Nang pasimula, nilikha ng Diyos ang langit[a] at ang lupa. Ang lupa ay walang anyo at walang laman, at binalot sa kadiliman ang kalaliman samantalang ang Espiritu ng Diyos ay kumikilos sa ibabaw ng mga tubig. At sinabi ng Diyos, "Magkaroon ng liwanag," at nagkaroon ng liwanag. Nakita ng Diyos na ang liwanag ay mabuti, at ibinukod ng Diyos ang liwanag sa kadiliman. Tinawag ng Diyos ang liwanag na Araw, at ang kadiliman ay tinawag niyang Gabi. Nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga nang unang araw. Sinabi ng Diyos, "Magkaroon ng isang kalawakan sa gitna ng tubig at paghiwalayin nito ang tubig." Ginawa ng Diyos ang kalawakan at ibinukod ang tubig na nasa ilalim ng kalawakan mula sa tubig na nasa itaas ng kalawakan. At ito ay nangyari. Tinawag ng Diyos ang kalawakan na Langit. Nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga nang ikalawang araw. Sinabi ng Diyos, "Magtipon ang tubig na nasa silong ng langit sa isang dako at hayaang lumitaw ang lupa." At ito ay nangyari. Tinawag ng Diyos ang tuyong lupa na Lupa at ang tubig na natipon ay tinawag niyang mga Dagat. At nakita ng Diyos na ito ay mabuti. Sinabi ng Diyos, "Sibulan ang lupa ng halaman, ng mga tanim na nagkakabinhi at ng punungkahoy na namumunga ayon sa kanyang binhi, ang bawat isa ayon sa kanyang uri sa ibabaw ng lupa." At ito ay nangyari. At ang lupa ay sinibulan ng halaman, ng mga tanim na nagkakabinhi ayon sa kanyang sariling uri at ng punungkahoy na namumunga ayon sa kanyang binhi, bawat isa ayon sa kanyang uri. At nakita ng Diyos na ito ay mabuti. Nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga nang ikatlong araw. Sinabi ng Diyos, "Magkaroon ng mga tanglaw sa kalawakan ng langit upang ihiwalay ang araw sa gabi; at ang mga ito ay maging palatandaan para sa mga panahon, sa mga araw, at sa mga taon, at ang mga ito ay maging tanglaw sa kalawakan ng langit upang tumanglaw sa ibabaw ng lupa." At ito ay nangyari. Nilikha ng Diyos ang dalawang malalaking tanglaw; ang malaking tanglaw ay upang maghari sa araw at ang maliit na tanglaw ay upang maghari sa gabi. Nilikha rin niya ang mga bituin. Ang mga ito ang inilagay ng Diyos sa kalawakan ng langit upang tumanglaw sa ibabaw ng lupa, upang mamahala sa araw at sa gabi, at upang ihiwalay ang liwanag sa kadiliman. At nakita ng Diyos na ito ay mabuti. Lumipas ang gabi at sumapit ang umaga nang ikaapat na araw. Sinabi ng Diyos, "Hayaang bumukal mula sa tubig ang maraming nilalang na may buhay, at magsilipad ang mga ibon sa ibabaw ng lupa sa kalawakan ng langit." Kaya't nilikha ng Diyos ang mga dambuhala sa dagat at ang bawat nilalang na may buhay na gumagalaw na ibinukal ng tubig ayon sa kanya-kanyang uri at ang lahat ng ibong may pakpak, ayon sa kanya-kanyang uri. At nakita ng Diyos na ito ay mabuti. At sila'y binasbasan ng Diyos, "Kayo'y magkaroon ng mga anak at magpakarami at inyong punuin ang tubig sa mga dagat, at magpakarami ang mga ibon sa lupa." Nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga nang ikalimang araw. Sinabi ng Diyos, "Magkaroon ang lupa ng mga buhay na nilalang, ayon sa kanya-kanyang uri: ng mga hayop at mga nilalang na gumagapang, at ng maiilap na hayop sa lupa ayon sa kanya-kanyang uri." At ito ay nangyari. Nilikha ng Diyos ang maiilap na hayop sa lupa ayon sa kani-kanilang uri, at maaamong hayop ayon sa kani-kanilang uri, at ang bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa ayon sa kanilang uri. At nakita ng Diyos na ito ay mabuti. Sinabi ng Diyos, "Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis; at magkaroon sila ng pamamahala sa mga isda sa dagat, sa mga ibon sa himpapawid, sa mga hayop, sa buong lupa, at sa bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa." Kaya't nilalang ng Diyos ang tao ayon sa kanyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Diyos siya nilalang. Sila'y kanyang nilalang na lalaki at babae. Sila'y binasbasan ng Diyos at sa kanila'y sinabi ng Diyos, "Kayo'y magkaroon ng mga anak at magpakarami, punuin ninyo ang lupa at supilin ninyo ito. Magkaroon kayo ng pamamahala sa mga isda sa dagat, sa mga ibon sa himpapawid, at sa bawat bagay na may buhay na gumagalaw sa ibabaw ng lupa." Sinabi ng Diyos, "Tingnan ninyo, ibinigay ko sa inyo ang bawat halaman na nagkakabinhi na nasa ibabaw ng lupa, at ang bawat punungkahoy na may binhi sa loob ng bunga; ang mga ito ay magiging pagkain ninyo. Sa bawat mailap na hayop sa lupa, at sa bawat ibon sa himpapawid, at sa bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa, sa bawat bagay na may hininga ng buhay ay ibinigay ko ang lahat ng halamang luntian bilang pagkain." At ito ay nangyari. Nakita ng Diyos ang lahat ng kanyang nilikha at ito ay napakabuti. Nagkaroon ng gabi at nagkaroon ng umaga nang ikaanim na araw. Nayari ang langit at ang lupa, at ang lahat ng mga bagay sa mga iyon. Nang ikapitong araw ay natapos ng Diyos ang gawain na kanyang ginawa, at nagpahinga siya nang ika-pitong araw mula sa lahat ng gawaing kanyang ginawa. At binasbasan ng Diyos ang ikapitong araw at kanyang ginawang banal, sapagkat sa araw na iyon ay nagpahinga ang Diyos sa lahat ng gawain na kanyang ginawa. Ito ang kasaysayan tungkol sa langit at lupa, sa araw na likhain ng PANGINOONG Diyos ang langit at lupa. Nang sa lupa ay wala pang tanim sa parang, at wala pang damo na tumutubo sa parang, — sapagkat hindi pa nagpapaulan ang PANGINOONG Diyos sa lupa at wala pang taong nagbubungkal ng lupa, ngunit may isang ulap na pumaitaas buhat sa lupa at dinilig ang buong kapatagan ng lupa. At nilalang ng PANGINOONG Diyos ang tao mula sa alabok ng lupa, at hiningahan ang mga butas ng kanyang ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging buhay na kaluluwa. Naglagay ang PANGINOONG Diyos ng isang halamanan sa silangan ng Eden, at inilagay niya roon ang taong kanyang nilalang. At pinatubo ng PANGINOONG Diyos sa lupa ang lahat ng punungkahoy na nakakalugod sa paningin, at mabuting kainin; gayundin ang punungkahoy ng buhay sa gitna ng halamanan, at ang punungkahoy ng pagkaalam ng mabuti at masama. May isang ilog na lumabas mula sa Eden upang diligin ang halamanan, at mula roo'y nahati at naging apat na ilog. Ang pangalan ng una ay Pishon na siyang umaagos sa palibot ng buong lupain ng Havila, na doo'y may ginto; at ang ginto sa lupang iyon ay mabuti; mayroon doong bedelio at batong onix. Ang pangalan ng ikalawang ilog ay Gihon; na siyang umaagos sa palibot ng buong lupain ng Cus. Ang pangalan ng ikatlong ilog ay Tigris na siyang umaagos sa silangan ng Asiria. At ang ikaapat na ilog ay ang Eufrates. Kinuha ng PANGINOONG Diyos ang lalaki at inilagay sa halamanan ng Eden upang ito ay kanyang bungkalin at ingatan. At iniutos ng PANGINOONG Diyos sa lalaki, na sinabi, "Malaya kang makakakain mula sa lahat ng punungkahoy sa halamanan, subalit mula sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagkat sa araw na ikaw ay kumain niyon ay tiyak na mamamatay ka." At sinabi ng PANGINOONG Diyos, "Hindi mabuti na ang lalaki ay nag-iisa; siya'y igagawa ko ng isang katuwang na nababagay sa kanya." Kaya't mula sa lupa ay nilalang ng PANGINOONG Diyos ang lahat ng hayop sa parang at ang lahat ng ibon sa himpapawid; at dinala sa lalaki upang malaman kung anong itatawag niya sa mga iyon. At anuman ang itawag ng lalaki sa bawat buhay na nilalang ay siyang pangalan nito. At pinangalanan ng lalaki ang lahat ng hayop at ang mga ibon sa himpapawid, at ang bawat hayop sa parang; subalit para sa lalaki ay walang nakitang katuwang na nababagay para sa kanya. Kaya't pinatulog nang mahimbing ng PANGINOONG Diyos ang lalaki, at habang siya'y natutulog, kinuha niya ang isa sa kanyang mga tadyang at pinaghilom ang laman sa lugar na iyon; at ang tadyang na kinuha ng PANGINOONG Diyos sa lalaki ay ginawang isang babae, at dinala siya sa lalaki. At sinabi ng lalaki, "Sa wakas, ito'y buto ng aking mga buto at laman ng aking laman. Siya'y tatawaging Babae, sapagkat sa Lalaki siya kinuha." Kaya't iniiwan ng lalaki ang kanyang ama at ang kanyang ina, at pumipisan sa kanyang asawa; at sila'y nagiging isang laman. Ang lalaki at ang kanyang asawa ay kapwa hubad, ngunit sila'y hindi nahihiya. Ang ahas nga ay higit na tuso kaysa alinman sa mga mailap na hayop sa parang na nilikha ng PANGINOONG Diyos. Sinabi niya sa babae, "Sinabi ba ng Diyos, 'Huwag ninyong kakainin ang mula sa alinmang punungkahoy sa halamanan?'" At sinabi ng babae sa ahas, "Makakain namin ang bunga ng mga punungkahoy sa halamanan; subalit sinabi ng Diyos, 'Huwag ninyong kakainin ang bunga ng punungkahoy na nasa gitna ng halamanan; huwag din ninyo itong hihipuin, kundi kayo'y mamamatay.'" Subalit sinabi ng ahas sa babae, "Tiyak na hindi kayo mamamatay. Sapagkat nalalaman ng Diyos na kapag kayo'y kumain noon ay mabubuksan ang inyong mga mata, at kayo'y magiging kagaya ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama." Kaya't nang makita ng babae na ang bunga ng punungkahoy ay mabuting kainin, nakakalugod sa paningin, na dapat nasain upang maging matalino, siya ay pumitas ng bunga nito at kinain ito; at binigyan din niya ang kanyang asawa na kasama niya, at siya'y kumain. At parehong nabuksan ang kanilang mga mata, at nalaman nilang sila'y mga hubad. Magkasama silang nagtahi ng mga dahon ng puno ng igos, at kanilang ginawang panakip. Narinig nila ang tinig ng PANGINOONG Diyos na lumalakad sa halamanan sa malarnig na bahagi ng maghapon. Nagtago ang lalaki at ang kanyang asawa sa PANGINOONG Diyos sa mga punungkahoy sa halamanan. Tinawag ng PANGINOONG Diyos ang lalaki at sa kanya'y sinabi, "Saan ka naroon?" Sinabi niya, "Narinig ko ang iyong tinig sa halamanan at ako'y natakot, sapagkat ako'y hubad; at ako'y nagtago." At sinabi niya, "Sinong nagsabi sa iyong ikaw ay hubad? Kumain ka ba ng bunga ng punungkahoy, na iniutos ko sa iyong huwag mong kainin?" Sinabi ng lalaki, "Ang babaing ibinigay mo na aking makakasama ang nagbigay sa akin ng bunga ng punungkahoy at ito'y aking kinain." Sinabi ng PANGINOONG Diyos sa babae, "Ano itong iyong ginawa?" Sinabi ng babae, "Dinaya ako ng ahas, at ako'y kumain." Sinabi ng PANGINOONG Diyos sa ahas, "Sapagkat ginawa mo ito ay isinumpa ka nang higit sa lahat ng hayop, at nang higit sa bawat mailap na hayop sa parang; ang iyong tiyan ang ipanggagapang mo, at alabok ang iyong kakainin sa lahat ng mga araw ng iyong buhay. Maglalagay ako sa iyo at sa babae ng pagkapoot sa isa't isa, at sa iyong binhi at sa kanyang binhi. Ito ang dudurog ng iyong ulo, at ikaw ang dudurog ng kanyang sakong." Sinabi niya sa babae, "Pararamihin ko ang paghihirap mo sa iyong paglilihi; manganganak kang may paghihirap, ngunit ang iyong pagnanais ay para sa iyong asawa, at siya ang mamumuno sa iyo." At kay Adan ay kanyang sinabi, "Sapagkat nakinig ka sa tinig ng iyong asawa, at kumain ka ng bunga ng punungkahoy na aking iniutos sa iyo na, 'Huwag kang kakain niyon,' sumpain ang lupa dahil sa iyo. Kakain ka mula sa kanya sa pamamagitan ng iyong mabigat na paggawa sa lahat ng mga araw ng iyong buhay; mga tinik at dawag ang sisibol doon para sa iyo, at kakain ka ng tanim sa parang. Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay, hanggang ikaw ay bumalik sa lupa; sapagkat diyan ka kinuha. Ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik." Tinawag ng lalaki ang kanyang asawa na Eva sapagkat siya ang naging ina ng lahat ng mga nabubuhay. At iginawa ng PANGINOONG Diyos si Adan at ang kanyang asawa ng mga kasuotang balat at sila'y dinamitan. Sinabi ng PANGINOONG Diyos, "Tingnan ninyo, ang tao'y naging parang isa sa atin, na nakakakilala ng mabuti at ng masama; at ngayon, baka iunat ang kanyang kamay at pumitas din ng bunga ng punungkahoy ng buhay, at kumain, at mabuhay magpakailanman." Kaya't pinalayas siya ng Panginoong Diyos sa halamanan ng Eden upang kanyang bungkalin ang lupaing pinagkunan sa kanya. At kanyang itinaboy ang lalaki; at inilagay sa silanganan ng halamanan ng Eden ang mga kerubin at ang isang nagniningas na tabak na umiikot, upang bantayan ang daang patungo sa punungkahoy ng buhay. At nakilala ng lalaki si Eva na kanyang asawa, at siya'y naglihi at ipinanganak si Cain, at sinabi, "Nagkaanak ako ng lalaki sa tulong ng PANGINOON." Kasunod nito ay ipinanganak niya ang kanyang kapatid na si Abel. Si Abel ay tagapag-alaga ng mga tupa at si Cain ay magbubungkal ng lupa. Sa paglipas ng panahon ay nagdala si Cain ng isang handog sa PANGINOON mula sa mga bunga ng lupa. Nagdala rin si Abel ng mga panganay ng kanyang kawan, ang taba ng mga iyon. At pinahalagahan ng PANGINOON si Abel at ang kanyang handog, subalit hindi niya pinahalagahan si Cain at ang kanyang handog. Galit na galit si Cain, at nagngitngit ang kanyang mukha. Sinabi ng PANGINOON kay Cain, "Bakit ka nagalit at bakit nagngitngit ang iyong mukha? Kung ikaw ay gumawa ng mabuti, hindi ka ba tatanggapin? At kung hindi ka gumawa ng mabuti, ang kasalanan ang nag-aabang sa pintuan. Ikaw ang nais nito, subalit kailangang madaig mo ito!" Sinabihan ni Cain ang kanyang kapatid na si Abel, at nangyari nang sila'y nasa parang, tumindig si Cain laban kay Abel na kanyang kapatid, at ito'y kanyang pinatay. At sinabi ng PANGINOON kay Cain, "Nasaan si Abel na iyong kapatid?" At sinabi niya, "Aywan ko! Ako ba'y tagapagbantay ng aking kapatid?" Sinabi niya, "Ano ang ginawa mo? Ang tinig ng dugo ng iyong kapatid ay dumadaing sa akin mula sa lupa. Ngayo'y sinumpa ka mula sa lupa. Ibinuka ng lupa ang bibig nito upang tanggapin ang dugo ng iyong kapatid mula sa iyong kamay. Kapag binungkal mo ang lupa, ito ay di na muling magbibigay sa iyo ng kanyang lakas. Ikaw ay magiging palaboy at pagala-gala sa lupa." At sinabi ni Cain sa PANGINOON, "Ang parusa sa akin ay higit kaysa makakaya ko. Ako ngayo'y itinataboy mo mula sa ibabaw ng lupa, at ako'y maikukubli sa iyong mukha. Ako'y magiging palaboy at pagala-gala, sinumang makakita sa akin ay papatayin ako." At sinabi sa kanya ng PANGINOON, "Hindi! Sinumang pumatay kay Cain ay pitong ulit na gagantihan." At nilagyan ng PANGINOON ng isahg tanda si Cain upang huwag siyang patayin ng sinumang makakita sa kanya. At umalis si Cain sa harapan ng PANGINOON at nanirahan sa lupain ng Nod, sa silangan ng Eden. Sumiping si Cain sa kanyang asawa, at siya'y naglihi at ipinanganak si Enoc. Siya'y nagtayo ng isang lunsod at tinawag ang lunsod ayon sa pangalan ng kanyang anak na si Enoc. Naging anak ni Enoc si Irad; at naging anak ni Irad si Mehujael; at naging anak ni Mehujael si Metusael; at naging anak ni Metusael si Lamec. At si Lamec ay nag-asawa ng dalawa; ang pangalan ng isa'y Ada, at ang pangalan ng ikalawa ay Zilla. Naging anak ni Ada si Jabal. Siya ang ama ng mga naninirahan sa mga tolda at may mga hayop. Ang pangalan ng kanyang kapatid ay Jubal. Siya ang ama ng lahat na tumutugtog ng alpa at plauta. Ipinanganak ni Zilla si Tubal-Cain, ang panday ng lahat na kagamitang patalim na tanso at bakal. At ang kapatid na babae ni Tubal-Cain ay si Naama. At sinabi ni Lamec sa kanyang mga asawa, "Ada at Zilla, pakinggan ninyo ang aking tinig. Kayong mga asawa ni Lamec ay makinig sa aking mga salita. Pumatay ako ng isang tao, dahil sa pagsugat sa akin, at ng isang binata, dahil sa ako'y sinaktan. Kung pitong ulit ipaghihiganti si Cain, tunay na si Lamec ay pitumpu't pitong ulit." Muling nakilala ni Adan ang kanyang asawa at siya'y nanganak ng isang lalaki, at tinawag ang kanyang pangalan na Set; sapagkat kanyang sinabi, "Binigyan ako ng Diyos ng ibang anak na kahalili ni Abel, sapagkat siya'y pinatay ni Cain." Nagkaanak din si Set ng isang lalaki, at tinawag ang kanyang pangalan na Enos. Nang panahong iyon ang mga tao ay nagsimulang tumawag sa pangalan ng PANGINOON: Ito ang aklat ng mga salinlahi ni Adan. Nang lalangin ng Diyos ang tao, siya ay nilalang sa wangis ng Diyos. Lalaki at babae silang nilalang, at sila'y binasbasan at tinawag na Adan ang kanilang pangalan, nang araw na sila'y lalangin. Nabuhay si Adan ng isandaan at tatlumpung taon, at nagkaanak ng isang lalaki na kanyang wangis, ayon sa kanyang larawan, at tinawag ang kanyang pangalan na Set. Ang mga naging araw ni Adan pagkatapos na maipanganak si Set ay walong daang taon; at nagkaanak pa siya ng mga lalaki at mga babae. Ang lahat ng mga araw ng naging buhay ni Adan ay siyamnaraan at tatlumpung taon at siya'y namatay. Nabuhay si Set ng isandaan at limang taon at naging anak niya si Enos. Nabuhay si Set pagkatapos na maipanganak si Enos ng walong daan at pitong taon at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae. Ang lahat na naging araw ni Set ay siyamnaraan at labindalawang taon at siya'y namatay. Nabuhay si Enos ng siyamnapung taon at naging anak niya si Kenan. Si Enos ay nabuhay pagkatapos na maipanganak si Kenan ng walong daan at labinlimang taon at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae. Ang lahat na naging araw ni Enos ay siyamnaraan at limang taon at siya'y namatay. Nabuhay si Kenan ng pitumpung taon at naging anak niya si Mahalalel. Nabuhay si Kenan pagkatapos na maipanganak si Mahalalel ng walong daan at apatnapung taon, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae. Ang lahat na naging araw ni Kenan ay siyamnaraan at sampung taon at siya'y namatay. Nabuhay si Mahalalel ng animnapu't limang taon at naging anak niya si Jared. At nabuhay si Mahalalel pagkatapos na maipanganak si Jared ng walong daan at tatlumpung taon, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae. Ang lahat na naging araw ni Mahalalel ay walong daan at siyamnapu't limang taon at siya'y namatay. Nabuhay si Jared ng isandaan at animnapu't dalawang taon at naging anak niya si Enoc. Nabuhay si Jared pagkatapos na maipanganak si Enoc ng walong daang taon, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae. Ang lahat na naging araw ni Jared ay siyamnaraan at animnapu't dalawang taon at siya'y namatay. Nabuhay si Enoc ng animnapu't limang taon at naging anak niya si Matusalem. Lumakad si Enoc na kasama ng Diyos, pagkatapos na maipanganak si Matusalem ng tatlong daang taon, at nagkaanak pa siya ng mga lalaki at mga babae. At ang lahat na naging araw ni Enoc ay tatlong daan at animnapu't limang taon. Lumakad si Enoc na kasama ng Diyos; at hindi na siya natagpuan sapagkat siya'y kinuha ng Diyos. Nabuhay si Matusalem ng isandaan at walumpu't pitong taon at naging anak niya si Lamec. Nabuhay si Matusalem pagkatapos na maipanganak si Lamec ng pitong daan at walumpu't dalawang taon at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae. Ang lahat na naging araw ni Matusalem ay siyamnaraan at animnapu't siyam na taon at siya'y namatay. Nabuhay si Lamec ng isandaan at walumpu't dalawang taon at nagkaanak ng isang lalaki. Tinawag niya ang kanyang pangalan na Noe, na sinabi, "Ito ang magbibigay sa atin ng ginhawa mula sa ating gawa at sa pagpapagod ng ating mga kamay, dahil sa lupang sinumpa ng PANGINOON." Nabuhay si Lamec pagkatapos na maipanganak si Noe ng limang daan at siyamnapu't limang taon at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae. Ang lahat na naging araw ni Lamec ay pitong daan at pitumpu't pitong taon at namatay. Nang si Noe ay may limang daang taon, naging anak niya sina Sem, Ham, at Jafet. Nagsimulang dumami ang mga tao sa balat ng lupa at nagkaanak sila ng mga babae. Nakita ng mga anak ng Diyos na magaganda ang mga anak na babae ng mga tao. At sila'y kumuha ng kani-kanilang mga asawa mula sa lahat ng kanilang pinili. At sinabi ng PANGINOON, "Ang aking Espiritu ay hindi laging mananatili sa tao, sapagkat siya'y laman. Subalit ang kanyang mga araw ay magiging isandaan at dalawampung taon." Ang mga higante ay nasa lupa nang mga araw na iyon, at kahit pagkatapos noon. Sila ang naging anak nang makipagtalik ang mga anak ng Diyos sa mga anak na babae ng tao. Ang mga ito ang naging makapangyarihan nang unang panahon, mga bantog na mandirigma. Nakita ng PANGINOON na napakasama na ng tao sa lupa, at ang bawat haka ng mga pag-iisip ng kanyang puso ay palagi na lamang masama. Nalungkot ang PANGINOON na kanyang nilalang ang tao sa lupa at nalumbay ang kanyang puso. Kaya't sinabi ng PANGINOON, "Lilipulin ko ang tao na aking nilalang sa ibabaw ng lupa — ang tao, hayop, ang mga gumagapang, at ang mga ibon sa himpapawid, sapagkat ako'y nalulungkot na nilalang ko sila." Subalit si Noe ay nakatagpo ng biyaya sa paningin ng PANGINOON. Ito ang mga lahi ni Noe. Si Noe ay lalaking matuwid at walang kapintasan noong kapanahunan niya. Si Noe ay lumakad na kasama ng Diyos. Nagkaanak si Noe ng tatlong lalaki: sina Sem, Ham, at Jafet. At naging masama ang daigdig sa harapan ng Diyos at ang lupa ay napuno ng karahasan. Nakita ng Diyos na ang daigdig ay naging masama sapagkat pinasama ng lahat ng tao ang kanilang gawa sa lupa. At sinabi ng Diyos kay Noe, "Ipinasiya ko nang wakasan ang lahat ng laman sapagkat ang lupa ay napuno ng karahasan nila. Ngayon, sila ay aking lilipuling kasama ng lupa. Gumawa ka ng isang daong na yari sa kahoy na gofer. Gumawa ka ng mga silid sa daong at pahiran mo ito ng alkitran sa loob at labas. Gagawin mo ito sa ganitong paraan: ang haba ng sasakyan ay tatlong daang siko, ang luwang ay limampung siko, at ang taas ay tatlumpung siko. Gagawa ka ng isang bintana sa sasakyan at tapusin mo ito ng isang siko sa dakong itaas. Ilalagay mo ang pintuan ng sasakyan sa kanyang tagiliran. Gagawin mo ito na may una, ikalawa at ikatlong palapag. Ako'y magpapadagsa ng baha ng tubig sa ibabaw ng lupa upang lipulin ang lahat ng laman na may hininga ng buhay sa ilalim ng langit. Ang lahat na nasa lupa ay mamamatay. Ngunit itatatag ko ang aking tipan sa iyo. Ikaw ay sasakay sa daong, ikaw, ang iyong mga anak na lalaki, ang iyong asawa, at ang mga asawa ng iyong mga anak na kasama mo. At sa bawat nabubuhay sa lahat ng laman ay magsasakay ka sa loob ng daong ng dalawa sa bawat uri upang maingatan silang buhay na kasama mo. Dapat ay lalaki at babae ang mga ito. Sa mga ibon ayon sa kanilang uri, sa mga hayop ayon sa kanilang uri, sa bawat gumagapang sa lupa ayon sa kanilang uri, dalawa sa bawat uri ang isasama mo upang ang mga iyon ay manatiling buhay. At magbaon ka ng lahat na pagkain at imbakin mo, at magiging pagkain para sa inyo at para sa kanila." Gayon ang ginawa ni Noe; ginawa niya ang ayon sa lahat ng iniutos sa kanya ng Diyos. At sinabi ng PANGINOON kay Noe, "Ikaw at ang iyong buong sambahayan ay sumakay sa daong sapagkat nakita kong ikaw lamang ang matuwid sa harap ko sa lahing ito. Kumuha ka ng tigpipito sa bawat malinis na hayop, lalaki at babae; at dalawa sa mga hayop na hindi malinis, lalaki at babae. Kumuha ka ng tigpipito sa mga ibon sa himpapawid, lalaki at babae; upang panatilihing buhay ang kanilang uri sa ibabaw ng lupa. Sapagkat pagkaraan ng pitong araw, magpapaulan ako sa ibabaw ng lupa ng apatnapung araw at apatnapung gabi. Aking pupuksain ang lahat ng may buhay na aking nilikha sa balat ng lupa." At ginawa ni Noe ang ayon sa lahat ng iniutos sa kanya ng PANGINOON. Si Noe ay animnaraang taon nang ang baha ng tubig ay dumating sa lupa. At sumakay sa daong si Noe at ang kanyang mga anak, ang kanyang asawa, at ang mga asawa ng kanyang mga anak upang umiwas sa tubig ng baha. Sa mga hayop na malinis, at sa mga hayop na hindi malinis, at sa mga ibon at sa bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa, ay dala-dalawa, lalaki at babae, pumasok sa daong kasama ni Noe, ayon sa iniutos ng Diyos kay Noe. Pagkaraan ng pitong araw, ang tubig ng baha ay umapaw sa lupa. Sa ikaanimnaraang taon ng buhay ni Noe, sa ikalabimpitong araw ng ikalawang buwan, nang araw na iyon, umapaw ang lahat ng bukal mula sa malaking kalaliman, at ang mga bintana ng langit ay nabuksan. Umulan sa ibabaw ng lupa sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi. Nang araw ding iyon, pumasok sa daong si Noe, sina Sem, Ham, at Jafet na mga anak ni Noe, ang asawa ni Noe, at ang tatlong asawa ng kanyang mga anak na kasama nila, sila, at bawat mailap na hayop ayon sa kani-kanilang uri, bawat maamong hayop ayon sa kani-kanilang uri, bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa ayon sa kanilang uri, at bawat ibon ayon sa kanilang uri, lahat ng sari-saring ibon. Sila'y sumakay sa daong, kasama ni Noe, dala-dalawa ang lahat ng hayop na may hininga ng buhay. Ang mga sumakay ay lalaki at babae ng lahat ng laman, pumasok sila gaya ng iniutos sa kanya ng Diyos. At siya'y ikinulong ng PANGINOON sa loob. Tumagal ang baha ng apatnapung araw sa ibabaw ng lupa. Lumaki ang tubig at lumutang ang daong, at ito'y tumaas sa ibabaw ng lupa. Dumagsa ang tubig at lumaki nang husto sa ibabaw ng lupa, at lumutang ang daong sa ibabaw ng tubig. At dumagsa ang tubig sa ibabaw ng lupa at inapawan ang lahat ng matataas na mga bundok na nasa silong ng langit. Ang tubig ay umapaw sa mga bundok sa taas na labinlimang siko. At namatay ang lahat ng laman na gumagalaw sa ibabaw ng lupa: ang mga ibon, mga maamong hayop, mga mailap na hayop, bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa, at lahat ng tao. Ang bawat may hininga ng buhay sa kanilang ilong na nasa lupang tuyo ay namatay. Namatay ang bawat may buhay na nasa ibabaw ng lupa: ang tao, hayop, ang mga gumagapang, at ang mga ibon sa himpapawid. Sila'y nalipol sa lupa. Tanging si Noe at ang mga kasama niya sa daong ang nalabi. Tumagal ang tubig sa ibabaw ng lupa ng isandaan at limampung araw. Hindi kinalimutan ng Diyos si Noe, at ang lahat ng may buhay, at ang lahat ng hayop na kasama niya sa sasakyan. Pinahihip ng Diyos ang isang hangin sa ibabaw ng lupa, at humupa ang tubig. Natakpan din ang mga bukal ng kalaliman at ang mga bintana ng langit, at napigil ang ulan sa langit. Patuloy na bumabaw ang tubig sa lupa at humupa ang tubig pagkaraan ng isandaan at limampung araw. Nang ikalabimpitong araw ng ikapitong buwan, sumadsad ang daong sa ibabaw ng mga bundok ng Ararat. Ang tubig ay nagpatuloy ng paghupa hanggang sa ikasampung buwan. Nang unang araw ng ikasampung buwan, nakita ang mga taluktok ng mga bundok. Sa katapusan ng apatnapung araw, binuksan ni Noe ang bintana ng daong na kanyang ginawa. Siya'y nagpalipad ng isang uwak, at ito'y nagparoo't parito hanggang sa natuyo ang tubig sa lupa. Nagpalipad din siya ng isang kalapati upang tingnan kung humupa na ang tubig sa ibabaw ng lupa. Ngunit ang kalapati ay hindi nakakita ng madadapuan ng kanyang paa, kaya't ito'y nagbalik sa kanya sa daong sapagkat ang tubig ay nasa ibabaw pa ng buong lupa. Kaya't inilabas niya ang kanyang kamay, kinuha niya ito at ipinasok sa daong. Muli siyang naghintay ng pitong araw at muling pinalipad ang kalapati sa labas ng daong, at nang malapit nang gumabi, ang kalapati ay nagbalik sa kanya. Sa kanyang tuka ay may isang bagong pitas na dahon ng olibo. Kaya't nalaman ni Noe na humupa na ang tubig sa lupa. Muli siyang naghintay ng pitong araw, at pinalipad ang kalapati at ito ay hindi na muling nagbalik sa kanya. At nang taong ikaanimnaraan at isa, nang unang araw ng unang buwan, ay natuyo ang tubig sa ibabaw ng lupa. Inalis ni Noe ang takip ng daong at tumingin siya, at nakita niyang ang ibabaw ng lupa ay natuyo na. At nang ikadalawampu't pitong araw ng ikalawang buwan ay natuyo ang lupa. At nagsalita ang Diyos kay Noe, "Lumabas ka sa daong, ikaw at ang iyong asawa, ang iyong mga anak, ang mga asawa ng iyong mga anak na kasama mo. Ilabas mong kasama mo ang bawat isa na may buhay: ang mga ibon, at ang mga hayop, ang bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa upang sila'y dumami sa ibabaw ng lupa, at magkaroon ng mga anak at dumami sa ibabaw ng lupa." Kaya't lumabas si Noe, ang kanyang mga anak, ang kanyang asawa, at ang mga asawa ng kanyang mga anak na kasama niya; bawat hayop, bawat gumagapang, at bawat ibon, anumang gumagalaw sa ibabaw ng lupa ayon sa kanyang angkan ay lumabas sa daong. Ipinagtayo ni Noe ng isang dambana ang PANGINOON. Kumuha siya sa lahat ng malinis na hayop, at sa lahat na malinis na ibon, at nag-alay ng mga handog na susunugin sa dambana. At sinamyo ng PANGINOON ang masarap na amoy, at sinabi ng PANGINOON sa kanyang puso, "Hindi ko na muling susumpain ang lupa dahil sa tao, sapagkat ang haka ng puso ng tao ay masama mula sa kanyang pagkabata. Hindi ko na rin muling lilipulin ang lahat ng nabubuhay na gaya ng aking ginawa. Habang ang lupa ay nananatili, ang paghahasik at pag-aani, ang tag-init at taglamig, ang araw at gabi ay hindi hihinto." Binasbasan ng Diyos si Noe at ang kanyang mga anak at sa kanila'y sinabi, "Kayo'y magkaroon ng mga anak at magpakarami, at inyong punuin ang lupa. Ang takot at sindak sa inyo ay darating sa bawat hayop sa lupa, sa bawat ibon sa himpapawid, sa lahat ng gumagapang sa lupa, at sa lahat ng isda sa dagat. Sila ay ibinibigay sa inyong kamay. Bawat gumagalaw na nabubuhay ay magiging pagkain ninyo; at kung paanong ibinigay ko sa inyo ang mga luntiang halaman, ibinibigay ko sa inyo ang lahat ng mga bagay. Nginit huwag ninyong kakainin ang laman na kasama ang buhay nito, ito ay ang kanyang dugo. At tiyak na aking hihingan ng sulit ang umutang sa inyong dugo. Aking hihingin ito sa bawat hayop at sa mga tao, bawat isa para sa dugo ng iba. Hihingan ko ng sulit ang umutang sa buhay ng tao. Sinumang magpadanak ng dugo ng tao, ang dugo ng taong iyon ay papadanakin ng ibang tao; sapagkat nilalang ang tao sa larawan ng Diyos. At kayo'y magkaroon ng mga anak at magpakarami; magbunga kayo nang sagana sa lupa at magpakarami kayo roon." At nagsalita ang Diyos kay Noe at sa mga anak na kasama niya, na sinasabi, "Narito, aking itinatatag ang tipan sa inyo, at sa inyong mga anak na susunod sa inyo; at sa bawat nilikhang may buhay na kasama ninyo, ang mga ibon, ang maamong hayop at bawat mailap na hayop sa lupa na kasama ninyo, sa lahat ng lumabas sa barko, sa bawat hayop sa lupa. Aking pinagtitibay ang aking tipan sa inyo; hindi ko na lilipulin ang lahat ng mga tao sa pamamagitan ng tubig ng baha at hindi na magkakaroon pa ng bahang magwawasak ng lupa." Sinabi ng Diyos, "Ito ang tanda ng tipang gagawin ko sa inyo; at sa bawat nilalang na may buhay na kasama ninyo sa buong panahon. Inilagay ko ang aking bahaghari sa ulap, at ito ay magiging tanda ng tipan ko at ng lupa. At kapag tinipon ko ang mga ulap sa ibabaw ng lupa, ang bahaghari ay makikita sa ulap. Aalalahanin ko ang aking tipan sa inyo, at sa bawat nilalang na may buhay; at ang tubig ay hindi na magiging bahang lilipol ng lahat ng nabubuhay.' Kapag ang bahaghari ay nasa ulap, ito ay aking makikita at maaalala ang walang hanggang tipan sa pagitan ng Diyos at ng bawat nilalang na may buhay na nasaibabaw ng lupa." Sinabi ng Diyos kay Noe, "Ito ang tanda ng tipan na aking itinatag sa lahat ng nabubuhay na nasa ibabaw ng lupa." Ang mga anak ni Noe na lumabas sa daong ay sina Sem, Ham, at Jafet. Si Ham ay siyang ama ni Canaan. Ang mga ito ang tatlong mga anak ni Noe at sa kanila nagmula ang lahat ng tao sa lupa. Si Noe ay isang magbubukid at siyang pinakaunang nagtanim ng ubasan; Uminom siya ng alak at nalasing at siya'y nakahigang hubad sa loob ng kanyang tolda. At nakita ni Ham na ama ni Canaan ang kahubaran ng kanyang ama, at isinaysay sa kanyang dalawang kapatid na nasa labas. Kumuha sina Sem at Jafet ng isang balabal, inilagay sa balikat nilang dalawa, lumakad ng paatras, at tinakpan ang kahubaran ng kanilang ama. At ang mukha nila ay patalikod, at hindi nila nakita ang kahubaran ng kanilang ama. Nagising si Noe sa kanyang pagkalasing, at nalaman ang ginawa sa kanya ng kanyang bunsong anak. At kanyang sinabi; "Sumpain si Canaan! Siya'y magiging alipin ng mga alipin sa kanyang mga kapatid." At sinabi niya, "Purihin ang PANGINOON, ang Diyos ni Sem! At si Canaan ay magiging alipin niya. Palawakin ng Diyos si Jafet, at siya'y titira sa mga tolda ni Sem; at si Canaan ay magiging alipin niya." Nabuhay si Noe ng tatlong daan at limampung taon pagkaraan ng baha. Ang lahat ng naging araw ni Noe ay siyamnaraan at limampung taon. At siya ay namatay. Ang mga ito ang mga salinlahi ng mga anak ni Noe: sina Sem, Ham, at Jafet: at sila'y nagkaanak pagkaraan ng baha. Ang mga anak ni Jafet: sina Gomer, Magog, Madai, Javan, Tubal, Meshec, at si Tiras. Ang mga anak ni Gomer: sina Askenaz, Rifat, at Togarma. Ang mga anak ni Javan: sina Elisha, Tarsis, Kittim, at Dodanim. Sa mga ito nahati ang mga pulo ng mga bansa sa kanilang mga lupain, ang bawat isa ayon sa kanyang wika, sa kanilang mga angkan at mga bansa. Ang mga anak ni Ham ay sina Cus, Mizraim, Put, at Canaan. Ang mga anak ni Cus ay sina Seba, Havila, Sabta, Raama, at Sabteca; at ang mga anak ni Raama: sina Sheba, at Dedan. Naging anak ni Cus si Nimrod na siyang nagsimulang maging makapangyarihan sa lupa. Siya'y makapangyarihang mangangaso sa harap ng PANGINOON kaya't karaniwang sinasabi: "Gaya ni Nimrod na makapangyarihang mangangaso sa harapan ng PANGINOON." At ang simula ng kanyang kaharian ay ang Babel, ang Erec, ang Acad, ang Calne, sa lupain ng Shinar. Buhat sa lupaing iyon ay nagtungo siya sa Asiria at itinayo ang Ninive, Rehobotir, at ang Cale, ang Resen, sa pagitan ng Ninive at ng Cale na isang malaking bayan. At naging anak ni Mizraim sina Ludim, Anamim, Lehabim, at Naphtuhim, sina Patrusim, at Casluim na siyang pinagmulan ng mga Filisteo, at ang Caftoreo. At naging anak ni Canaan sina Sidon, na kanyang panganay, at si Het, at ang mga Jebuseo, Amoreo, ang mga Gergeseo; ang mga Heveo, Araceo, ang Sineo. ang mga taga-Arvad, Zemareo, Hamateo at pagkatapos ay kumalat ang mga angkan ng Cananeo. Ang hangganan ng lupain ng mga Cananeo ay mula sa Sidon, patungo sa Gerar, hanggang sa Gaza, patungo sa Sodoma at Gomorra, at Adma, at Zeboyin hanggang Lasa. Ito ang mga anak ni Ham ayon sa kanilang angkan, wika, mga lupain, at kanilang mga bansa. Nagkaroon din ng mga anak si Sem, na ama ng lahat ng mga anak ni Eber, na siyang matandang kapatid ni Jafet. Ang mga anak ni Sem: sina Elam, Ashur, Arfaxad, Lud, at Aram. Ang mga anak ni Aram: sina Uz, Hul, Geter, at Mas. Naging anak ni Arfaxad sina Shela; at naging anak ni Shela si Eber. Nagkaanak si Eber ng dalawang lalaki; ang pangalan ng una'y Peleg; sapagkat sa mga araw niya'y nahati ang lupa; at ang pangalan ng kanyang kapatid ay Joktan. Naging anak ni Joktan sina Almodad, Shelef, Hazar-mavet, at si Jerah, sina Hadoram, Uzal, at Dicla, sina Obal, Abimael, at Sheba, sina Ofir, Havila, at Jobab. Lahat ng ito ay mga naging anak ni Joktan. Ang naging tahanan nila ay mula sa Mesha, patungo sa Sefar, na siyang bundok sa silangan. Ito ang mga anak ni Sem, ayon sa kanilang angkan, wika, lupain, at bansa. Ito ang mga angkan ng mga anak ni Noe, ayon sa kanilang lahi, at bansa. Sa mga ito nagsimulang kumalat ang mga bansa pagkatapos ng baha. Noon, ang buong lupa ay iisa ang wika at magkakatulad ang salita. Sa kanilang paglalakbay sa silangan, nakatagpo sila ng isang kapatagan sa lupain ng Shinar, at sila'y tumira doon. At sinabi nila sa isa't isa, "Halikayo! Tayo'y gumawa ng mga tisa at ating lutuing mabuti." At ang kanilang bato ay tisa at alkitran ang kanilang semento. Sinabi nila, "Halikayo! Magtayo tayo ng isang lunsod at isang tore na ang taluktok nito ay hanggang sa langit, at gumawa tayo ng pangalan para sa ating mga sarili, baka tayo magkawatak-watak sa ibabaw ng buong lupa." Bumaba ang PANGINOON upang tingnan ang lunsod at ang tore na itinayo ng mga anak ng mga tao. At sinabi ng PANGINOON, "Tingnan ninyo, sila'y iisang bayan at may isang wika; at ito ay pasimula pa lamang ng kanilang gagawin, at ngayon, walang makakapigil sa anumang kanilang binabalak gawin. Halikayo! Tayo'y bumaba at ating guluhin ang kanilang wika, upang hindi nila maunawaan ang pananalita ng bawat isa." Kaya't ikinalat sila ng PANGINOON mula roon sa ibabaw ng buong lupa, at huminto sila sa pagtatayo ng lunsod. Kaya't ang ipinangalan dito ay Babel, sapagkat doon ay ginulo ng PANGINOON ang wika ng buong lupa, at mula roon ay ikinalat sila ng PANGINOON sa ibabaw ng buong lupa. Ito ang mga salinlahi ni Sem. May isandaang taong gulang si Sem nang maging anak si Arfaxad, dalawang taon pagkatapos ng baha. Nabuhay si Sem ng limandaang taon pagkatapos na maipanganak si Arfaxad, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae. Nang si Arfaxad ay tatlumpu't limang taon, naging anak niya si Shela. Nabuhay si Arfaxad ng apatnaraan at tatlong taon pagkatapos na maipanganak si Shela, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae. Nabuhay si Shela ng tatlumpung taon, at naging anak si Eber. Nabuhay si. Shela ng apatnaraan at tatlumpung taon pagkatapos na maipanganak si Eber, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae. Nabuhay si Eber ng tatlumpu't apat na taon, at naging anak si Peleg. Nabuhay si Eber ng apatnaraan at tatlumpung taon pagkatapos na maipanganak si Peleg, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae. Nabuhay si Peleg ng tatlumpung taon, at naging anak si Reu. Nabuhay si Peleg ng dalawang daan at siyam na taon pagkatapos na maipanganak si Reu, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae. Nabuhay si Reu ng tatlumpu't dalawang taon, at naging anak si Serug. Nabuhay si Reu ng dalawang daan at pitong taon pagkatapos na maipanganak si Serug, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae. Nabuhay si Serug ng tatlumpung taon, at naging anak si Nahor. Nabuhay si Serug ng dalawang daang taon pagkatapos maipanganak si Nahor, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae. Nabuhay si Nahor ng dalawampu't siyam na taon, at naging anak si Terah. Nabuhay si Nahor ng isandaan at labinsiyam na taon pagkatapos na maipanganak si Terah, at nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae. At nabuhay si Terah ng pitumpung taon, at naging anak sina Abram, Nahor at Haran. Ito ang mga lahi ni Terah. Naging anak ni Terah sina Abram, Nahor, at Haran; at naging anak ni Haran si Lot. Unang namatay si Haran kaysa sa kanyang amang si Terah sa lupaing kanyang tinubuan, sa Ur ng mga Caldeo. At nagsipag-asawa sina Abram at Nahor. Ang pangalan ng asawa ni Abram ay Sarai, at ang pangalan ng asawa ni Nahor ay Milca, na anak na babae ni Haran na ama nina Milca at Iscah. At si Sarai ay baog; siya'y walang anak. Isinama ni Terah si Abram na kanyang anak, at si Lot na anak ni Haran, na anak ng kanyang anak, at si Sarai na kanyang manugang na asawa ni Abram na kanyang anak at sama-samang umalis sa Ur ng mga Caldeo upang magtungo sa lupain ng Canaan. Dumating sila sa Haran, at nanirahan doon. At ang mga naging araw ni Terah ay dalawandaan at limang taon, at namatay si Terah sa Haran. Sinabi ng PANGINOON kay Abram, "Umalis ka sa iyong lupain, sa iyong mga kamag-anak, sa bahay ng iyong ama, at pumunta ka sa lupaing ituturo ko sa iyo. Gagawin kitang isang malaking bansa, ikaw ay aking pagpapalain, gagawin kong dakila ang iyong pangalan, at ikaw ay magiging isang pagpapala. Pagpapalain ko ang magbibigay ng pagpapala sa iyo, at susumpain ko ang mga susumpa sa iyo; at sa pamamagitan mo ang lahat ng angkan sa lupa ay pagpapalain." Kaya't umalis si Abram ayon sa sinabi sa kanya ng PANGINOON, at si Lot ay sumama sa kanya. Si Abram ay may pitumpu't limang taong gulang nang umalis siya sa Haran. Isinama ni Abram si Sarai na kanyang asawa, at si Lot na anak ng kanyang kapatid, at ang lahat ng pag-aaring kanilang natipon at ang mga taong kanilang nakuha sa Haran; at umalis sila upang pumunta sa lupain ng Canaan at nakarating sila roon. Dumaan sa lupain si Abram hanggang sa lugar ng Shekem, sa punong ensina ng More. Noon, ang mga Cananeo ay nasa lupaing iyon. Nagpakita ang PANGINOON kay Abram, at sinabi, "Ibibigay ko ang lupaing ito sa iyong lahi." At siya'y nagtayo roon ng isang dambana sa PANGINOON na nagpakita sa kanya. Mula roon ay lumipat siya sa bundok na nasa silangan ng Bethel, at doon niya itinayo ang kanyang tolda, na nasa kanluran ang Bethel, at nasa silangan ang Ai. Siya'y nagtayo roon ng dambana sa PANGINOON, at tinawag ang pangalan ng PANGINOON. Si Abram ay patuloy na naglakbay hanggang sa Negeb. Nagkagutom sa lupain kaya't bumaba si Abram sa Ehipto upang manirahan doon sapagkat mahigpit ang taggutom sa lupain. Nang siya'y malapit na sa Ehipto, sinabi niya kay Sarai na kanyang asawa, "Alam kong ikaw ay isang babaing maganda sa paningin; at kapag nakita ka ng mga Ehipcio ay kanilang sasabihin, 'Ito'y kanyang asawa; at ako'y kanilang papatayin, subalit hahayaan ka nilang mabuhay. Sabihin mong ikaw ay aking kapatid upang ako'y mapabuti dahil sa iyo, at upang ang buhay ko'y makaligtas dahil sa iyo." Nang dumating si Abram sa Ehipto, nakita ng mga Ehipcio na ang babae ay napakaganda. Nang makita siya ng mga pinuno ng Faraon, siya'y kanilang pinuri kay Faraon, at dinala ang babae sa bahay ng Faraon. At pinagpakitaan niya ng magandang loob si Abram dahil kay Sarai at nagkaroon si Abram ng mga tupa, baka, lalaking asno, aliping lalaki at alilang babae, babaing asno, at mga kamelyo. Subalit pinahirapan ng PANGINOON ang Faraon at ang kanyang sambahayan ng malubhang salot dahil kay Sarai na asawa ni Abram. Tinawag ng Faraon si Abram, at sinabi, "Ano itong ginawa mo sa akin? Bakit hindi mo sinabi sa akin na siya'y iyong asawa? Bakit mo sinabing, 'Siya'y aking kapatid?' na anupa't siya'y aking kinuha upang maging asawa. Kaya't ngayon, narito ang iyong asawa. Siya'y kunin mo at umalis ka." At nag-utos ang Faraon sa mga tao tungkol sa kanya, at siya'y kanilang inihatid sa daan, ang kanyang asawa, at ang lahat ng kanyang pag-aari. Umahon sa Negeb mula sa Ehipto si Abram, ang kanyang asawa, dala ang lahat ng kanyang pag-aari, at si Lot. At si Abram ay napakayaman sa hayop, pilak, at ginto. Nagpatuloy si Abram ng kanyang paglalakbay mula sa Negeb hanggang sa Bethel, hanggang sa dakong kinaroroonan ng kanyang tolda sa pagitan ng Bethel at ng Ai; sa lugar ng dambana na kanyang ginawa roon nang una; at doon ay tinawag ni Abram ang pangalan ng PANGINOON. Si Lot na sumama kay Abram ay mayroon ding mga tupa, baka, at mga tolda. Hindi makayanan ng lupain na sila'y manirahang magkasama sapagkat napakarami ng kanilang pag-aari. At nagkaroon ng pagtatalo ang mga pastol ng hayop ni Abram at ang mga pastol ng hayop ni Lot. Ang Cananeo at ang Perezeo ay naninirahan noon sa lupain. Sinabi ni Abram kay Lot, "Huwag na tayong magkaroon ng pagtatalo, maging ang ating mga pastol, sapagkat tayo'y magkapatid. Di ba nasa harapan mo ang buong lupain? Humiwalay ka sa akin. Kapag kinuha mo ang nasa kaliwa, ako ay pupunta sa kanan; o kapag kinuha mo ang nasa kanan, ako ay pupunta sa kaliwa." Inilibot ni Lot ang kanyang paningin, at natanaw niya ang buong libis ng Jordan na pawang natutubigang mabuti gaya ng halamanan ng PANGINOON, gaya ng lupain ng Ehipto, sa gawi ng Zoar; ito ay bago winasak ng PANGINOON ang Sodoma at Gomorra. Kaya't pinili ni Lot para sa kanya ang buong libis ng Jordan; at si Lot ay naglakbay sa silangan at sila'y kapwa naghiwalay. Nanirahan si Abram sa lupain ng Canaan, at si Lot ay nanirahan sa mga bayan ng libis, at inilipat ang kanyang tolda hanggang sa Sodoma. Ang mga tao nga sa Sodoma ay napakasama at makasalanan sa harap ng PANGINOON. Sinabi ng PANGINOON kay Abram pagkatapos na humiwalay si Lot sa kanya, "Itaas mo ngayon ang iyong paningin,. at tumanaw ka mula sa dakong iyong kinalalagyan, sa dakong hilaga, timog, silangan, at sa kanluran; sapagkat ang buong lupaing natatanaw mo ay ibibigay ko sa iyo, at sa iyong binhi magpakailanman. Gagawin kong parang alabok ng lupa ang iyong binhi, at kung mabibilang ng sinuman ang alabok ng lupa, ang iyong binhi ay mabibilang din. Tumindig ka! Lakarin mo ang lupain, ang kanyang haba at luwang sapagkat ibibigay ko ito sa iyo." At inilipat ni Abram ang kanyang tolda, at.humayo at nanirahan sa gitna ng mga punong ensina ni Mamre na nasa Hebron, at siya'y nagtayo roon ng dambana sa PANGINOON. Nang mga araw ni Amrafel, hari ng Shinar, ni Arioc na hari ng Elasar, ni Kedorlaomer na hari ng Elam, at ni Tidal na hari ng mga Goiim, ang mga ito ay nakipagdigma laban kay Bera na hari ng Sodoma, kay Birsha na hari ng Gomorra, kay Shinab na hari ng Adma, kay Shemeber na hari ng Zeboyin, at ng hari sa Bela na si Zoar. Silang lahat ay nagsama-sama sa libis ng Siddim na siyang Dagat na Patay. Labindalawang taon silang naglingkod kay Kedorlaomer, at sa ikalabintatlong taon ay naghimagsik. Sa ikalabing-apat na taon ay dumating si Kedorlaomer at ang mga haring kasama niya, at nilupig ang mga Refaim sa Astarot-carnaim, ang mga Zuzita sa Ham, ang mga Emita sa Save-Kiryataim, at ang mga Horeo sa kanilang kabundukan ng Seir hanggang Elparan na nasa tabi ng ilang. Pagkatapos, sila'y bumalik at tumungo sa Enmispat (na siyang Kadesh), at kanilang'nilupig ang buong lupain ng mga Amalekita at pati ng mga Amoreo na nakatira sa Hazazon-tamar. At lumabas ang mga hari ng Sodoma, Gomorra, Adma, Zeboyin, Bela na si Zoar; at sila'y sumama sa pakikidigma sa libis ng Siddim laban kay Kedorlaomer na hari ng Elam, kay Tidal na hari ng mga Goiim, kay Amrafel na hari ng Shinar, at kay Arioc na hari ng Elasar; apat na hari laban sa lima. Ang libis ng Siddim ay puno ng hukay ng betun, at nang tumakas ang mga hari ng Sodoma at ng Gomorra, ang ilan ay nahulog doon, at ang natira ay tumakas sa kabundukan. At kanilang sinamsam ang lahat ng pag-aari at pagkain ng Sodoma at Gomorra, at saka umalis. Dinala nila si Lot na anak ng kapatid ni Abram, na nakatira sa Sodoma, at ang kanyang mga pag-aari at sila'y umalis. At dumating ang isang nakatakas at ibinalita kay Abram na Hebreo na naninirahan sa mga puno ng ensina ni Mamre na Amoreo, kapatid nina Escol at Aner. Ang mga ito ay mga kakampi ni Abram. Nang marinig ni Abram na nabihag ang kanyang kamag-anak, pinangunahan niya ang kanyang tatlong daan at labingwalong mga sanay na tauhan na ipinanganak sa kanyang bahay, at kanilang hinabol sila hanggang sa Dan. Kinagabihan, sila'y nagpangkat-pangkat laban sa kaaway, siya at ang kanyang mga alipin, at sila'y kanilang ginapi at hinabol sila hanggang sa Hoba na nasa hilaga ng Damasco.. At iniuwi niya ang lahat ng pag-aari, gayundin si Lot na kanyang kamag-anak at ang kanyang mga pag-aari, at ang mga kababaihan at ang taong-bayan. Siya'y sinalubong ng hari ng Sodoma pagkatapos na siya'y bumalik mula sa pagkatalo ni Kedorlaomer, at sa mga haring kasama niya sa libis ng Shave (na siyang libis ng hari). At si Melquizedek, hari ng Salem na pari ng Kataas-taasang Diyos, ay naglabas ng tinapay at alak. Siya'y kanyang binasbasan na sinabi, "Pagpalain si Abram ng Kataas-taasang Diyos, na lumikha ng langit at ng lupa; at purihin ang Kataas-taasang Diyos, na nagbigay ng iyong mga kaaway sa iyong kamay." At binigyan siya ni Abram ng ikasampung bahagi ng lahat. Sinabi ng hari ng Sodoma kay Abram, "Ibigay mo sa akin ang mga tao at kunin mo ang mga ari-arian para sa iyong sarili." Sinabi ni Abram sa hari ng Sodoma, "Ako'y sumumpa sa PANGINOONG Diyos na Kataas-taasan, na lumikha ng langit at ng lupa, na hindi ako kukuha kahit isang sinulid, o isang panali ng sandalyas, o ng anumang para sa iyo, baka iyong sabihin, 'Pinayaman ko siAbram.' Wala akong kukunin, maliban sa kinain ng mga kabataang lalaki at ang bahagi ng mga lalaking sumama sa akin — sina Aner; Escol, at Mamre. Ibigay mo sa kanila ang kanilang bahagi." Pagkatapos ng mga bagay na ito, dumating ang salita ng PANGINOON kay Abram sa isang pangitain, "Huwag kang matakot, Abram; ako ang iyong kalasag, ang iyong gantimpala ay magiging napakadakila." Ngunit sinabi ni Abram, "O Panginoong DIYOS, anong ibibigay mo sa akin, yamang ako'y patuloy na walang anak at ang tagapagmana ng aking bahay ay si Eliezer ng Damasco?" At sinabi ni Abram, "Hindi mo ako binigyan ng anak at isang alipin na ipinanganak sa aking bahay ang magiging tagapagmana ko." Ngunit ang salita ng PANGINOON ay dumating sa kanya, "Hindi ang taong ito ang magiging tagapagmana mo; ang iyong sariling anak ang magiging tagapagmana mo." Siya'y dinala niya sa labas at sinabi, "Tumingala ka ngayon sa langit, at iyong bilangin ang mga bituin, kung mabibilang. mo." At sinabi sa kanya, "Magiging ganyan ang iyong binhi." Sumampalataya siya sa PANGINOON; at ito'y ibinilang na katuwiran sa kanya. At sinabi niya sa kanya, "Ako ang PANGINOON na nagpaalis sa iyo sa Ur ng mga Caldeo, upang ibigay sa iyo ang lupaing ito para angkinin." Sinabi niya, "O Panginoong DIYOS, paano ko malalaman na mamanahin ko iyon?" At sinabi sa kanya, "Magdala ka rito ng isang dumalagang bakang tatlong taon ang gulang, isang babaing kambing na tatlong taon ang gulang, isang lalaking tupang tatlong taon ang gulang, isang inakay na batu-bato, at isang inakay na kalapati." Dinala niya ang lahat ng ito sa kanya at hinati niya sa gitna, at kanyang inihanay na magkakatapat ang isa't isa subalit hindi niya hinati ang mgaibon. Nang bumaba ang mga ibong mandaragit sa mga bangkay, ang mga iyon ay binugaw ni Abram. Nang lulubog na ang araw, nakatulog si Abram nang mahimbing; isang makapal at nakakatakot na kadiliman ang dumating sa kanya. Sinabi ng PANGINOON kay Abram, "Tunay na dapat mong mala-man na ang iyong binhi ay magiging taga-ibang bayan sa lupaing hindi kanila, at sila'y magiging mga alipin doon, at sila'y pahihirapan sa loob ng apatnaraang taon; ngunit ang bansang kanilang paglilingkuran ay aking hahatulan; at pagkatapos ay aalis sila na may malaking ari-arian. Subalit ikaw ay payapang tutungo sa iyong mga ninuno, at ikaw ay malilibing sa panahong lubos na ang iyong katandaan. Sa ikaapat na salin ng iyong binhi, muli silang babalik rito sapagkat hindi pa nalulubos ang kasamaan ng mga Amoreo." Nang lumubog na ang araw at madilim na, isang hurnong umuusok at ang isang tanglaw na nagniningas ang dumaan sa gitna ng mga hinating hayop. Nang araw na iyon, ang PANGINOON ay nakipagtipan kay Abram, na sinasabi, "Ibinigay ko ang lupaing ito sa iyong binhi, mula sa ilog ng Ehipto hanggang sa malaking ilog, ang Ilog Eufrates, ang lupain ng mga Kineo, Kenizeo, at ng mga Cadmoneo, ng mga Heteo, Perezeo, at Refaim, at ng mga Amoreo, Cananeo, Gergeseo, at ng mga Jebuseo." Si Sarai na asawa ni Abram J. O ay hindi nagkaanak sa kanya; at siya'y may isang alilang babae na taga-Ehipto, ria ang pangalan ay Hagar. Sinabi ni Sarai kay Abram, "Ako'y hinadlangan ng PANGINOON na magkaanak. Sumiping ka sa aking alilang babae; marahil ay magkakaanak ako sa pamamagitan niya." At pinakinggan ni Abram ang sinabi ni Sarai. Kaya't pagkaraan ng sampung taong paninirahan ni Abram sa lupain ng Canaan, kinuha ni Sarai na asawa ni Abram si Hagar na taga-Ehipto, na kanyang alila, at ibinigay kay Abram na kanyang asawa upang maging asawa niya. Siya'y sumiping kay Hagar at naglihi; at nang makita ni Hagar na siya'y naglihi, tiningnan niya na may paghamak ang kanyang panginoong babae. At sinabi ni Sarai kay Abram, "Mapasaiyo nawa ang kasamaang ginawa sa akin, ibinigay ko ang aking alila sa iyong kandungan; at nang kanyang makita na siya'y naglihi ay hinamak ako sa kanyang paningin. Ang PANGINOON ang humatol sa akin at sa iyo." Subalit sinabi ni Abram kay Sarai, "Ang iyong allia ay nasa, iyong kapangyarihan. Gawin mo sa kanya ang mabuti sa iyong paningin." Pinagmalupitan siya ni Sarai at si Hagar ay tumakas. Natagpuan siya ng anghel ng PANGINOON sa tabi ng isang bukal sa ilang, sa bukal na nasa daang patungo sa Shur. At sinabi niya, "Hagar, alila ni Sarai, saan ka nanggaling at saan ka pupunta?" At kanyang sinabi, "Ako'y tumatakas kay Sarai na aking panginoon." Sinabi sa kanya ng anghel ng PANGINOON, "Magbalik ka sa iyong panginoon, at pasakop ka sa kanyang mga kamay." Sinabi din sa kanya ng anghel ng PANGINOON, "Pararamihin kong lubos ang iyong binhi, at sila'y hindi mabibilang dahil sa karamihan." At sinabi sa kanya ng anghel ng PANGlNOON, "Ngayon, ikaw ay nagdadalang-tao at manganganak ng isang lalaki. Ang itatawag mo sa kanyang pangalan ay Ismael, sapagkat pinakinggan ng PANGINOON ang iyong dalamhati " Siya'y magiging isang taong gaya ng mailap na asno, ang kanyang kamay laban sa lahat, at ang kamay ng lahat ay labansa kanya; at habang nabubuhay ay kalaban ng lahat niyang mga kapatid. Kaya't kanyang pinangalanan ang PANGINOON na nagsalita sa kanya, "Ikaw ay Diyos na nakakakita;" sapagkat sinabi niya, 'Talaga bang nakita ko ang Diyos at nanatiling buhay pagkatapos na makita siya?" Kaya't pinangalanan ang balong iyon na Balon ng Nabubuhay na Nakakakita sa Akin; ito'y nasa pagitan ng Kadesh at Bered. At nanganak si Hagar ng isang lalaki kay Abram at ang itinawag ni Abram sa kanyang anak na ipinanganak ni Hagar ay Ismael. Si Abram ay walumpu't anim na taon nang ipanganak ni Hagar si Ismael sa kanya. Nang si Abram ay siyamnapu't siyam na taon, ang PANGINOON ay nagpakita kay Abram, at sa kanya'y nagsabi, "Ako ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat! Lumakad ka sa harapan ko, at maging walang kapintasan; at ako'y makikipagtipan sa iyo at ikaw ay aking labis na pararamihin." At nagpatirapa si Abram, at sinabi ng Diyos sa kanya, "Para sa akin, ito ang aking pakikipagtipan sa iyo: Ikaw ang magiging ama ng maraming bansa. Ang pangalan mo ay hindi na tatawaging Abram, kundi Abraham ang magiging pangalan mo; sapagkat ikaw ay ginawa kong ama ng maraming bansa. Ikaw ay gagawin kong mayroong napakaraming anak at magmumula sa iyo ang mga bansa; at magbubuhat sa iyo ang mga hari. Aking itatatag ang aking tipan sa iyo at sa iyong binhi kahit sa iyong pagkamatay sa buong lahi nila, isang tipang walang hanggan, upang maging Diyos mo at ng iyong binhi. At ibibigay ko sa iyo at sa iyong binhi pagkamatay mo ang lupaing kung saan ka ngayon ay isang dayuhan, ang buong lupain ng Canaan bilang pag-aaring walang hanggan; at ako ang magiging Diyos nila." Sinabi ng Diyos kay Abraham, "At tungkol sa iyo, iingatan mo ang aking tipan, ikaw at ang iyong binhi pagkamatay mo sa buong lahi nila. Ito ang aking tipan na inyong iingatan, ang tipan natin at ng iyong binhi pagkamatay mo: Ang bawat lalaki sa inyo ay tutuliin. Inyong tutuliin ang balat ng inyong maselang bahagi, at ito ang magiging tanda ng aking tipan sa inyo. Sa inyong buong lahi, bawat lalaking may gulang na walong araw sa inyo ay tutuliin, maging ang aliping ipinanganak sa inyong bahay, o ang binili ng salapisa sinumang taga-ibang lupa na hindi sa iyong lahi. Ang aliping ipinanganak sa bahay at ang binili ng iyong salapi ay dapat tuliin; at ang aking tipan ay makikita sa iyong laman bilang tipang walang hanggan. Ang sinumang lalaking hindi tuli, na hindi tinuli ang balat ng maselang bahagi ay ititiwalag sa kanyang bayan; sinira niya ang aking tipan." At sinabi ng Diyos kay Abraham, "Tungkol kay Sarai na iyong asawa, huwag siyang tatawaging Sarai, kundi Sara ang magiging pangalan niya. Siya'y aking pagpapalain, at bibigyan kita ng anak sa pamamagitan niya. Siya'y aking pagpapalain, at siya'y magiging ina ng mga bansa; ang mga hari ng mga bayan ay magmumula sa kanya." Nang magkagayo'y nagpatirapa at tumawa si Abraham, at sinabi sa kanyang sarili, "Magkakaanak pa kaya ang isang tao na isandaang taong gulang na? Manganak pa kaya si Sara na siyamnapung taong gulang na?" At sinabi ni Abraham sa Diyos, "Bakit hindi na lang si Ismael ang magmana ng mga ipinangako ninyo sa akin?" Sinabi ng Diyos, "Hindi! Ang iyong asawang si Sara ay tiyak na magkakaanak sa iyo, at tatawagin mo siya sa pangalang Isaac. Itatatag ko ang aking tipan sa kanya bilang isang walang hanggang tipan, at sa kanyang lahi pagkamatay niya. Tungkol kay Ismael ay narinig kita. Pinagpala ko siya at siya'y gagawin kong mabunga at lubos kong pararamihin. Labindalawang prinsipe ang kanyang magiging anak, at siya'y gagawin kong malaking bansa. Aking itatatag ang aking tipan kay Isaac na ipapanganak sa iyo ni Sara, sa panahong ito sa taong darating." Pagkatapos makipag-usap sa kanya, ang Diyos ay pumaitaas na mula kay Abraham. Ipinagsama ni Abraham si Ismael, na kanyang anak, at ang lahat ng ipinanganak sa kanyang bahay, at ang lahat ng binili niya ng kanyang salapi, ang lahat ng lalaki sa mga kasambahay ni Abraham, at kanyang tinuli ang balat ng maselang bahagi ng kanilang katawan nang araw ding iyon, ayon sa sinabi ng Diyos sa kanya. Si Abraham ay siyamnapu't siyam na taong gulang nang tuliin ang balat ng kanyang maselang bahagi. At si Ismael ay labintatlong taon nang tuliin ang balat ng kanyang maselang bahagi. Nang araw ding iyon ay tinuli si Abraham at si Ismael na kanyang anak. At lahat ng lalaking kasambahay niya, maging ang mga aliping ipinanganak sa bahay niya at ang mga binili ng salapi sa taga-ibang lupain ay tinuling kasama niya. Ang PANGINOON ay nagpakita kay Abraham sa may punong ensina ni Mamre habang siya'y nakaupo nang kainitan ang araw sa pintuan ng tolda. Itinaas niya ang kanyang paningin at nakita ang tatlong lalaki na nakatayo na malapit sa kanya. Nang sila'y kanyang makita, tumakbo siya upang sila'y salubungin mula sa pintuan ng tolda, at yumuko siya sa lupa. At sinabi, "Panginoon ko, kung ako'y nakatagpo ng biyaya sa inyong paningin ay hinihiling ko sa inyo na huwag mong lampasan ang iyong lingkod. Hayaan mong dalhan ko kayo rito ng kaunting tubig, at maghugas kayo ng inyong mga paa, at magpahinga kayo sa lilim ng kahoy. Kukuha ako ng kaunting tinapay upang makapagpalakas sa inyo, at pagkatapos ay magpatuloy na kayo, yamang kayo'y pumarito sa inyong lingkod." Kaya't sinabi nila, "Gawin mo ang ayon sa iyong sinabi." Si Abraham ay nagmadaling pumunta sa tolda ni Sara, at sinabi, "Dali! Maghanda ka ng tatlong takal ng mainam na harina, masahin mo at gawing mga tinapay." At tumakbo si Abraham sa bakahan at kumuha ng isang bata at malusog na baka, at ibinigay sa alipin na nagmamadaling inihanda ito. Kinuha niya ang mantekilya, gatas, at ang bakang inihanda niya, at inihain sa harapan nila. Siya'y tumayo sa tabi nila sa lilim ng punungkahoy samantalang sila'y kumakain. At sinabi nila sa kanya, "Nasaan si Sara na iyong asawa?" At sinabi niya "Naroon siya sa tolda." At sinabi ng isa, "Ako ay tiyak na babalik sa iyo sa tamang panahon, at si Sara na iyong asawa ay magkakaanak ng isang lalaki." Si Sara noon ay nakikinig sa may pintuan ng tolda na nasa likuran niya. Sina Abraham at Sara ay kapwa matanda na at lipas na sa panahon. Si Sara ay hindi na dinadatnan ng tulad ng likas sa mga babae. Nagtawa si Sara sa kanyang sarili, na sinasabi, "Pagkatapos na ako'y tumanda at matanda na rin ang asawa ko, magkakaroon pa ba ako ng kasiyahan?" At sinabi ng PANGINOON kay Abraham, "Bakit tumawa si Sara, na sinasabi, 'Tunay kayang ako'y manganganak, kahit matanda na ako?'" "Mayroon bang anumang bagay na napakahirap sa PANGINOON? Sa takdang panahon ay babalik ako sa iyo, sa tamang panahon, at si Sara ay magkakaanak ng isang lalaki." Subalit nagkaila si Sara, na sinasabi, "Hindi ako tumawa," sapagkat siya'y natakot. Ngunit sinabi ng PANGINOON, "Hindi. Ikaw ay talagang tumawa." Tumindig mula roon ang mga lalaki at tumingin sa dakong Sodoma; at sinamahan sila ni Abraham upang ihatid sila sa daan. At sinabi ng PANGINOON, "Ililihim ko ba kay Abraham ang aking gagawin; yamang si Abraham ay magiging isang dakila at makapangyarihang bansa, at ang lahat ng bansa sa lupa ay pagpapalain sa pamamagitan niya? Hindi, sapagkat siya'y aking pinili upang kanyang tagubilinan ang kanyang mga anak at sambahayan pagkamatay niya, na maingatan ang daan ng PANGINOON sa pamamagitan ng paggawa ng kabanalan at kahatulan; upang maibigay ng PANGINOON kay Abraham ang ipinangako niya sa kanya." Sinabi ng PANGINOON, "Ang sigaw laban sa Sodoma at Gomorra ay malakas, at sapagkat ang kasalanan nila ay napakalubha, at bababa ako ngayon at titingnan ko kung ginawa nga nila ang ayon sa sigaw na dumating sa akin; at kung hindi ay aking malalaman." At ang mga lalaki ay lumayo mula roon at nagtungo sa Sodoma samantalang si Abraham ay nanatiling nakatayo sa harapan ng PANGINOON. Lumapit si Abraham at nagsabi, "Ang mga banal ba ay iyong lilipuling kasama ng mga masama? Halimbawang may limampung banal sa loob ng bayan; lilipulin mo ba at di mo patatawarin ang lugar na iyon alang-alang sa limampung banal na nasa loob noon? Malayong gagawa ka ng ganito, na ang banal ay iyong pataying kasama ng masama, anupa't ang banal ay makatulad sa masama! Malayong mangyari iyan! Di ba gagawa ng matuwid ang Hukom ng buong mundo?" At sinabi ng Panginoon, "Kung makatagpo ako sa Sodoma ng limampung banal sa loob ng bayan, patatawarin ko ang buong lugar na iyon alang-alang sa kanila." Sumagot si Abraham, at nagsabi, "Mangangahas akong magsalita sa Panginoon, akong alabok at abo iamang. Kung sakaling magkukulang ng lima sa limampung banal, lilipulin mo ba ang buong bayan dahil sa limang kulang?" At sinabi niya, "Hindi ko lilipulin kung makatagpo ako roon ng apatnapu't lima." At siya'y muling nagsalita sa kanya, at nagsabi, "Halimbawang may matatagpuang apatnapu." At sinabi niya, "Hindi ko gagawin alang-alang sa apatnapu." Pagkatapos ay sinabi niya, "O huwag sanang magalit ang Panginoon, at ako'y magsasalita. Kung sakaling may matatagpuan doong tatlumpu." At sinabi niya, "Hindi ko gagawin kung makakatagpo ako roon ng tatlumpu." At kanyang sinabi, "Ako'y mangangahas magsalita sa Panginoon. Kung sakaling may matatagpuan doong dalawampu." At sinabi niya, "Hindi ko lilipulin alang-alang sa dalawampu." Pagkatapos ay sinabi niya, "O huwag magalit ang Panginoon at magsasalita na lamang akong minsan; kung sakaling may matatagpuan doong sampu." At sinabi niya, "Hindi ko lilipulin alang-alang sa sampu." At umalis ang PANGINOON pagkatapos na makipag-usap kay Abraham at si Abraham ay nagbalik sa kanyang lugar. Dumating ang dalawang anghel sa Sodoma nang nagtatakipsilim na. Si Lot ay nakaupo sa pintuang-bayan ng Sodoma. Sila'y nakita ni Lot at tumindig upang salubungin sila; at iniyukod ang kanyang mukha sa lupa. At sinabi, "Ngayon mga panginoon ko, hinihiling ko sa inyo na kayo'y bumalik at tumuloy sa bahay ng inyong lingkod, at magpalipas ng gabi, at maghugas ng inyong mga paa, at sa madaling araw ay magsibangon kayo at magpatuloy ng inyong paglakad." Kanilang sinabi, "Hindi, sa lansangan kami magpapalipas ng buong magdamag." Ngunit kanyang pinilit nang husto kaya't sila'y nagsipasok sa kanyang bahay. Sila'y kanyang ipinaghanda, ipinagluto ng mga tinapay na walang pampaalsa, at sila ay kumain. Subalit bago sila nagsihiga, ang mga lalaki ng lunsod, ang mga lalaki sa Sodoma, maging mga bata at matanda, lahat ng mga tao hanggang sa pinakahuling tao, ay pumalibot sa bahay. Kanilang tinawagan si Lot at sinabi, "Saan naroon ang mga lalaking dumating sa iyo nang gabing ito? Ilabas mo sila sa amin upang makilala namin sila." Lumabas si Lot sa pintuan upang humarap sa kanila, at isinara ang pinto sa likuran niya. At sinabi niya, "Mga kapatid ko, nakikiusap ako na huwag kayong gumawa ng ganyang kasamaan. Narito, may dalawa akong anak na babae na hindi pa nasipingan ng lalaki. Sila'y aking ilalabas sa inyo, at gawin ninyo sa kanila ang ayon sa inyong nais, huwag lamang ninyong gawan ng anuman ang mga lalaking ito, sapagkat sila'y nasa ilalim ng aking bubungan." At sinabi nila, "Manatili ka diyan!" At sinabi pa nila, "Ang taong ito'y naparito bilang dayuhan, at ibig niyang maging hukom! Ngayon, gagawan ka namin ng higit na masama kaysa kanila." At kanilang ipinagtulakan ang lalaking si Lot, at nagsilapit upang sirain ang pintuan. Subalit iniunat ng mga lalaki ang kanilang kamay at binatak si Lot sa loob ng bahay at kanilang sinarhan ang pintuan. At binulag nila ang mga taong nasa pintuan ng bahay, maging maliit o malaki, anupa't hindi nila makita ang pintuan. At sinabi ng mga lalaki kay Lot, "Mayroon ka pa ba ritong kasama? Paalisin mo sa lugar na ito ang iyong mga manugang na lalaki at mga anak na lalaki at babae, o sinuman sa mga kasamahan mo sa lunsod. Sapagkat malapit na naming lipulin ang lugar na ito dahil sa napakalakas na ng sigaw laban sa bayang ito sa harap ng PANGINOON; at kami ay sinugo ng PANGINOON upang ito ay aming lipulin." Kaya't si Lot ay lumabas at kinausap ang kanyang mga manugang na noon ay mapapangasawa ng kanyang mga anak na babae, at sinabi, "Tumindig kayo, magsialis kayo sa lugar na ito; sapagkat gugunawin ng PANGINOON ang bayan." Subalit ang akala ng kanyang mga manugang ay nagbibiro siya. Kinaumagahan, pinapagmadali ng mga anghel si Lot, na sinasabi, "Bumangon ka, isama mo ang iyong asawa at ang iyong dalawang anak na babae na narito, baka pati ikaw ay madamay sa parusa sa bayan." Subalit siya'y nagtagal. Kaya't dahil sa habag sa kanya ng PANGINOON, hinawakan ng mga lalaki ang kanyang kamay at ang kamay ng kanyang asawa, at ang kamay ng kanyang dalawang anak na babae; at siya'y inilabas nila at iniwan sa labas ng bayan. Nang sila'y mailabas na nila, ay sinabi nila, "Tumakas ka alang-alang sa iyong buhay. Huwag kang lumingon o huminto man sa buong libis; tumakas ka hanggang sa bundok, sapagkat kung hindi, ikaw ay mamamatay." At sinabi sa kanila ni Lot, "Huwag, mga panginoon ko! Ang lingkod mo ay nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, at nagpakita ka sa akin ng malaking awa sa pagliligtas ng aking buhay. Subalit hindi ko kayang tumakas sa bundok, baka ako'y abutan ng kapahamakan, at ako'y mamatay. Tingnan mo, ang kasunod na lunsod ay malapit lamang upang matakasan at iyon ay maliit. Pahintulutan mo akong tumakas roon. Hindi ba iyon ay maliit lamang at ang aking buhay ay maliligtas?" At sinabi niya sa kanya, "O sige, pinapayagan din kita sa bagay na ito at hindi ko na gugunawin ang lunsod na iyong binanggit. Magmadali ka, tumakas ka roon; sapagkat wala akong magagawa hanggang sa dumating ka roon." Kaya't ang pangalang itinawag sa bayang iyon ay Zoar. Ang araw ay sumikat na sa lupa nang dumating si Lot sa Zoar. At buhat sa langit ay nagpaulan ang PANGINOON sa Sodoma at Gomorra ng asupre at apoy. Ginunaw niya ang mga lunsod na iyon, at ang buong libis at ang lahat ng nakatira sa mga lunsod at ang tumutubo sa lupa. Subalit ang asawa ni Lot ay lumingon sa likuran niya, at siya ay naging haliging asin. Kinaumagahan, si Abraham ay maagang nagtungo sa dakong kinatayuan niya sa harap ng PANGINOON. Siya'y tumingin sa dakong Sodoma at Gomorra, at sa buong lupain ng libis. At kanyang nakita na ang usok ng lupain ay tumataas na parang usok ng isang hurno. At nangyari, nang gunawin ng Diyos ang mga lunsod ng libis, naalala ng Diyos si Abraham, at inilabas si Lot nang gunawin ang mga lunsod na tinirahan niya. Umahon si Lot papalabas sa Zoar at tumira sa bundok kasama ang kanyang dalawang anak na babae sapagkat siya'y takot na tumira sa Zoar. Siya'y tumira sa isang yungib kasama ang kanyang dalawang anak na babae. At sinabi ng panganay sa bunso, "Ang ating ama ay matanda na at walang lalaki sa lupa na sumiping sa atin, ayon sa kaugalian ng buong lupa. Halika, painumin natin ng alak ang ating ama, at tayo'y sumiping sa kanya upang mapanatili natin ang binhi ng ating ama." At pinainom nila ng alak ang kanilang ama nang gabing iyon at pumasok ang panganay at sumiping sa kanyang ama. Hindi nalaman ng ama nang siya'y mahiga ni nang siya'y bumangon. Kinabukasan, sinabi ng panganay sa bunso, "Tingnan mo, ako'y sumiping kagabi sa aking ama. Painumin din natin siya ng alak sa gabing ito. Pumasok ka at sumiping sa kanya upang mapanatili natin ang binhi ng ating ama." At pinainom din nila ng alak ang kanilang ama nang gabing iyon. Tumindig ang bunso at sumiping sa ama. Hindi nalaman ng ama nang siya'y mahiga ni nang siya'y bumangon. Sa ganito'y kapwa nagdalang-tao ang mga anak ni Lot sa pamamagitan ng kanilang ama. Nanganak ang panganay ng isang lalaki, at tinawag sa pangalang Moab na siyang ama ng mga Moabita hanggang sa araw na ito. At ang bunso ay nanganak din ng isang lalaki, at tinawag sa pangalang Benammi na siyang ama ng mga anak ni Ammon hanggang sa araw na ito. At mula roon ay naglakbay si Abraham sa lupain ng timog, at nanirahan sa pagitan ng Kadesh at Shur. Samantalang naninirahan bilang isang dayuhan sa Gerar, sinabi ni Abraham tungkol kay Sara na kanyang asawa, "Siya'y aking kapatid;" at si Abimelec na hari sa Gerar ay nagpasugo at kinuha si Sara. Subalit pumunta ang Diyos kay Abimelec sa panaginip sa gabi at sinabi sa kanya, "Ikaw ay malapit nang mamatay dahil sa ang babaing kinuha mo'y asawa ng isang lalaki." Ngunit si Abimelec ay hindi pa nakakasiping sa kanya. At sinabi niya, "Panginoon, papatayin mo ba pati ang isang bayang walang sala? Hindi ba siya rin ang nagsabi sa akin, 'Siya'y aking kapatid?' at si Sara man ay nagsabi, 'Siya'y aking kapatid.' Sa katapatan ng aking puso at kawalang-sala ng aking mga kamay ay ginawa ko ito." Sinabi sa kanya ng Diyos sa panaginip, "Oo, nalalaman ko na sa katapatan ng iyong puso ay ginawa mo ito, at hinadlangan din naman kita na magkasala ng laban sa akin kaya't hindi ko ipinahintulot na galawin mo siya. Ngayon nga'y isauli mo ang asawa ng lalaking ito; sapagkat siya'y isang propeta, at ikaw ay ipapanalangin niya at mabubuhay ka. Ngunit kapag hindi mo siya isinauli, tandaan mong tiyak na mamamatay ka, ikaw at ang lahat ng iyo." Kinaumagahan si Abimelec ay bumangon ng maaga at tinawag ang lahat niyang mga lingkod. Sinabi niya sa kanila ang lahat ng bagay na ito, at ang mga tao'y takot na takot. Tinawag ni Abimelec si Abraham, at sa kanya'y sinabi, "Anong ginawa mo sa amin at paano ako nagkasala laban sa iyo, upang dalhan mo ako at ang aking kaharian ng isang malaking kasalanan? Ginawa mo sa akin ang mga gawang di nararapat gawin." At sinabi ni Abimelec kay Abraham, 'Ano ba ang iniisip mo at ginawa mo ang bagay na ito?" Sumagot si Abraham, "Sapagkat inisip ko na tunay na walang pagkatakot sa Diyos sa lugar na ito at papatayin nila ako dahil sa aking asawa. At saka, talagang siya'y kapatid ko, anak ng aking ama, subalit hindi anak ng aking ina; at siya'y naging asawa ko. Nang paalisin ako ng Diyos sa bahay ng aking ama ay sinabi ko sa kanya, 'Ito ang kabutihan na maipapakita mo sa akin: sa lahat ng lugar na ating pupuntahan ay sabihin mo tungkol sa akin, 'Siya'y aking kapatid.' " Si Abimelec ay kumuha ng mga tupa at baka, mga aliping lalaki at babae, at ibinigay ang mga ito kay Abraham, at isinauli sa kanya si Sara na kanyang asawa. At sinabi ni Abimelec, "Ang lupain ko ay nasa harapan mo; manirahan ka kung saan mo gusto." Sinabi niya kay Sara, "Tingnan mo, nagbigay ako ng isang libong pirasong pilak sa iyong kapatid. Ito'y magpapawalang-sala sa iyo sa paningin ng lahat ng kasama mo; ikaw ay ganap na napawalang-sala." At nanalangin si Abraham sa Diyos; at pinagaling ng Diyos si Abimelec, ang kanyang asawa, at ang kanyang mga aliping babae, na anupa't nagkaanak sila. Sapagkat sinarhan ng PANGINOON ang lahat ng bahay-bata sa sambahayan ni Abimelec, dahil kay Sara na asawa ni Abraham. Dinalaw ng PANGINOON si Sara ayon sa sinabi niya, at ginawa ng PANGINOON kay Sara ang ayon sa kanyang pangako. Si Sara ay naglihi at nagkaanak ng isang lalaki kay Abraham sa kanyang katandaan, sa takdang panahong sinabi ng Diyos sa kanya. Tinawag ni Abraham na Isaac ang anak na ipinanganak sa kanya ni Sara. At tinuli ni Abraham ang anak niyang si Isaac pagkaraan ng walong araw gaya ng iniutos ng Diyos sa kanya. Si Abraham ay isandaang taong gulang nang ipanganak si Isaac na kanyang anak. Sinabi ni Sara, "Pinatawa ako ng Diyos, sinumang makarinig ay makikitawa sa akin." At sinabi niya, "Sino ang magsasabi kay Abraham na si Sara ay magpapasuso ng mga anak? Ngunit ako'y nagkaanak pa sa kanya ng isang lalaki sa kanyang katandaan." Lumaki ang sanggol, at inawat sa pagsuso; at nagdaos ng malaking handaan si Abraham nang araw na ihiwalay sa pagsuso si Isaac. Subalit nakita ni Sara ang anak ni Hagar na taga-Ehipto, na ipinanganak kay Abraham, na nakikipaglaro sa anak niyang si Isaac. Kaya't sinabi niya kay Abraham, "Palayasin mo ang aliping ito at ang kanyang anak, sapagkat hindi magmamana ang anak ng aliping ito na kahati ng aking anak na si Isaac." Ang bagay na ito ay naging lubhang mabigat sa kalooban ni Abraham dahil sa kanyang anak. Sinabi ng Diyos kay Abraham, "Huwag kang magdamdam ng dahil sa bata at dahil sa iyong aliping babae. Makinig ka sa lahat ng sasabihin sa iyo ni Sara sapagkat sa pamamagitan ni Isaac papangalanan ang iyong binhi. Ang anak ng alipin ay gagawin ko ring isang bansa, sapagkat siya'y iyong binhi." Kinaumagahan, maagang bumangon si Abraham at kumuha ng tinapay at lalagyan ng tubig na yari sa balat at ibinigay kay Hagar. Ipinatong ang mga ito sa kanyang balikat at ang bata at siya ay pinaalis. Siya'y umalis at nagpagala-gala sa ilang ng Beer-seba. Nang maubos ang tubig sa lalagyang-balat, kanyang inilapag ang bata sa ilalim ng isa sa mabababang puno. At siya'y umalis at umupo sa tapat ng bata na ang layo ay may isang banat ng pana at sinabi niya, "Ayaw kong makita ang kamatayan ng bata." At pag-upo niya sa tapat ng bata siya'y nagsisigaw at umiiyak. Narinig ng Diyos ang tinig ng bata; at mula sa langit ay tinawag ng anghel ng Diyos si Hagar at sinabi sa kanya, "Napaano ka, Hagar? Huwag kang matakot; sapagkat narinig ng Diyos ang tinig ng bata sa kanyang kinalalagyan. Tumindig ka, itayo mo ang bata at alalayan mo siya ng iyong kamay sapagkat siya'y gagawin kong isang malaking bansa." Binuksan ng Diyos ang kanyang mga mata at siya'y nakakita ng isang balon ng tubig. Pumunta siya roon at pinuno ng tubig ang lalagyang-balat at pinainom ang bata. Ang Diyos ay kasama ng bata at siya'y lumaki, at nanirahan sa ilang at naging sanay sa paggamit ng pana. Tumira siya sa ilang ng Paran at ikinuha siya ng kanyang ina ng asawa sa lupain ng Ehipto. Nang panahong iyon, si Abimelec at si Ficol na kapitan ng kanyang hukbo ay nagsalita kay Abraham, "Sumasaiyo ang Diyos sa lahat mong ginagawa. Ngayon nga'y isumpa mo rito sa akin alang-alang sa Diyos, na di ka magsisinungaling sa akin, sa aking anak, at sa aking tagapagmana. Ayon sa kagandahang-loob na ipinakita ko sa iyo ay gayon ang gagawin mo sa akin, at sa lupaing iyong tinitirhan." At sinabi ni Abraham, "Sumusumpa ako." Nang sumbatan ni Abraham si Abimelec dahil sa isang balon ng tubig na sinamsam sa kanya ng mga tauhan ni Abimelec, ay sinabi ni Abimelec, "Hindi ko alam kung sinong gumawa ng bagay na ito. Hindi mo naman sinabi sa akin, at hindi ko naman nabalitaan kundi ngayon." Kaya't kumuha si Abraham ng mga tupa at baka at ibinigay kay Abimelec; at silang dalawa ay gumawa ng isang tipan. Nagbukod si Abraham ng pitong babaing kordero sa kawan. At sinabi ni Abimelec kay Abraham, "Ano itong pitong babaing kordero na iyong ibinukod?" Sinabi niya, "Itong pitong babaing kordero ay iyong kukunin sa akin upang ikaw ay maging saksi ko na hinukay ko ang balong ito." Kaya't tinawag niya ang lugar na iyon bilang Beer-seba; sapagkat doon sila kapwa sumumpa. Pagkatapos nilang gumawa ng isang tipan sa Beer-seba, tumindig si Abimelec at si Ficol na kapitan ng kanyang hukbo at bumalik sa lupain ng mga Filisteo. Nagtanim si Abraham ng isang punungkahoy ng tamarisko sa Beer-seba, at doon ay tinawag niya ang pangalan ng PANGINOON, ang Walang Hanggang Diyos. At si Abraham ay tumira ng maraming araw bilang isang dayuhan sa lupain ng mga Filisteo. Pagkatapos ng mga bagay na ito, sinubok ng Diyos si Abraham, at sinabi sa kanya, "Abraham," at sinabi niya, "Narito ako." At kanyang sinabi, "Kunin mo ngayon ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak na si Isaac, na iyong minamahal at pumunta ka sa lupain ng Moria. Ialay mo siya bilang handog na susunugin sa itaas ng isa sa mga bundok na aking sasabihin sa iyo." Si Abraham ay maagang bumangon at inihanda ang kanyang asno. Isinama niya ang dalawa sa kanyang mga batang tauhan at si Isaac na kanyang anak. Nagsibak siya ng kahoy para sa handog na susunugin; at siya'y naghanda at pumunta sa lugar na sinabi sa kanya ng Diyos. Nang ikatlong araw ay tumingin si Abraham at kanyang natanaw ang lugar na iyon sa malayo. Sinabi ni Abraham sa kanyang mga batang tauhan, "Maghintay kayo rito at ng asno, at ako at ang bata ay pupunta roon upang kami ay sumamba. Babalikan namin kayo." At kinuha ni Abraham ang kahoy ng handog na susunugin, at ipinasan kay Isaac na kanyang anak. Dinala niya sa kanyang kamay ang apoy at ang patalim at sila'y umalis na magkasama. Nagsalita si Isaac kay Abraham na kanyang ama, "Ama ko," At kanyang sinabi, "Narito ako, anak." Sinabi niya, "Narito ang apoy at ang kahoy, ngunit nasaan ang korderong handog na susunugin?" Kaya't sinabi ni Abraham, "Anak ko, ang Diyos ang magkakaloob ng korderong handog na susunugin." At sila'y umalis na magkasama. At sila'y dumating sa lugar na sinabi sa kanya ng Diyos. Nagtayo roon si Abraham ng isang dambana, inayos ang kahoy, at tinalian si Isaac na kanyang anak at inilagay sa ibabaw ng kahoy na nasa ibabaw ng dambana. Iniunat ni Abraham ang kanyang kamay at hinawakan ang patalim upang patayin ang kanyang anak. Ngunit tinawag siya ng anghel ng PANGINOON mula sa langit, at sinabi, "Abraham, Abraham." At kanyang sinabi, "Narito ako." At sa kanya'y sinabi, "Huwag mong sasaktan ang bata, o gawan man siya ng anuman, sapagkat ngayon ay nalalaman ko na ikaw ay may takot sa Diyos, at hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak." Kaya't tumingin si Abraham, at nakita niya ang isang tupang lalaki sa likuran niya na ang mga sungay ay sumabit sa mga tinik. Lumapit si Abraham at kinuha ang tupa, at siyang inialay na handog na susunugin kapalit ng kanyang anak. Kaya't tinawag ni Abraham ang lugar na iyon Yahweh-yireh. Kaya't sinasabi hanggang sa araw na ito: Sa bundok ng PANGINOON ito ay ipagkakaloob." Mula sa langit ay muling tinawag ng anghel ng PANGINOON si Abraham. At sinabi niya, "Sumumpa ako sa aking sarili," wika ng PANGINOON, sapagkat ginawa mo ito at hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak; tunay na pagpapalain kita, at pararamihin ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit at mga buhangin sa baybayin ng dagat; at makakamit ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kanyang mga kaaway. At sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng bansa sa lupa, sapagkat sinunod mo ang aking tinig." Kaya't bumalik si Abraham sa kanyang mga batang tauhan, at sila'y tumayo at sama-samang nagtungo sa Beer-seba; at nanirahan si Abraham sa Beer-seba. Pagkatapos ng mga bagay na ito, ibinalita kay Abraham, "Si Milca ay nagkaroon din ng mga anak kay Nahor na iyong kapatid. Si Uz ang kanyang panganay, si Buz na kanyang kapatid, at si Kemuel na ama ni Aram; Si Chesed, Hazo, Pildas, Jidlaf, at si Betuel." Si Betuel ang naging ama ni Rebecca. Ang walong ito ay naging anak ni Milca kay Nahor na kapatid ni Abraham. Gayundin, ipinanganak ng kanyang asawang-lingkod na si Reuma sina Teba, Gaham, Taas, at Maaca. Ang buhay ni Sara ay tumagal ng isandaan at dalawampu't pitong taon. Ito ang naging mga taon ng buhay ni Sara. At namatay si Sara sa Kiryat-arba (na siyang Hebron) sa lupain ng Canaan, at pumaroon si Abraham upang ipagluksa si Sara at umiyak para sa kanya. Tumindig si Abraham sa harap ng kanyang patay at nagsalita sa mga anak ni Het, "Ako'y taga-ibang bayan at dayuhan sa gitna ninyo. Bigyan ninyo ako ng pag-aaring libingan sa gitna ninyo upang mapaglilibingan ng aking patay at mawala ito sa aking paningin. Ang mga anak ni Het ay sumagot kay Abraham, "Pakinggan mo kami, panginoon ko. Ikaw ay isang makapangyarihang prinsipe sa gitna namin. Ilibing mo ang iyong patay sa pinakamabuti sa aming mga libingan. Walang sinuman sa amin ang magkakait sa iyo ng kanyang libingan upang paglibingan ng iyong patay." At tumindig si Abraham, at yumuko sa mga mamamayan ng lupain, sa mga anak ni Het. At sinabi niya sa kanila, "Kung sang-ayon kayo na ilibing ko ang aking patay upang mawala ito sa aking paningin ay pakinggan ninyo ako, at mamagitan kayo para sa akin kay Efron na anak ni Zohar, upang ibigay niya sa akin ang yungib ng Macpela, na kanyang pag-aari na nasa hangganan ng kanyang parang. Sa kabuuang halaga ay ibigay niya iyon sa akin sa harap ninyo bilang isang pag-aari na paglilibingan. Si Efron nga ay nakaupo sa gitna ng mga anak ni Het at sumagot si Efron na Heteo kay Abraham, sa harap ng mga anak ni Het, na naririnig ng lahat ng pumapasok sa pintuan ng bayan, "Hindi, panginoon ko, pakinggan mo ako. Ang parang ay ibinibigay ko sa iyo, at ang yungib na naroroon ay ibinibigay ko sa iyo. Sa harapan ng mga anak ng aking bayan ay ibinibigay ko sa iyo, ilibing mo ang iyong patay." Kaya't si Abraham ay yumukod sa harapan ng mga mamamayan ng lupain. At sinabi niya kay Efron sa pandinig ng mga mamamayan ng lupain, "Kung nais mo ay pakinggan mo ako. Ibibigay ko sa iyo ang halaga ng parang; tanggapin mo iyon sa akin, at ililibing ko roon ang aking patay." Sumagot si Efron kay Abraham, "Panginoon ko, pakinggan mo ako. Ang halaga ng isang pirasong lupa ay apatnaraang siklong pilak. Gaano na lamang iyon sa iyo at sa akin? Ilibing mo na nga ang iyong patay." At nakinig naman si Abraham kay Efron; at tinimbang ni Abraham para kay Efron ang salaping kanyang sinabi sa harapan ng mga anak ni Het, apatnaraang siklong pilak, sang-ayon sa timbang na karaniwan sa mga mangangalakal. Kaya't ang parang ni Efron na nasa Macpela, na nasa tapat ng Mamre, ang parang at ang yungib na nandoon, at ang lahat ng mga punungkahoy na nasa parang at ang lahat ng hangganan sa palibot nito, ay naging pag-aari ni Abraham sa harapan ng mga anak ni Het, sa harapan ng lahat ng pumasok sa pintuang daan ng kanyang bayan. Pagkatapos nito ay inilibing ni Abraham si Sara na kanyang asawa sa yungib ng parang sa Macpela sa tapat ng Mamre (na siyang Hebron) sa lupain ng Canaan. Ang parang at ang yungib na naroroon ay naging pag-aari ni Abraham upang maging lugar ng libingan mula sa mga anak ni Het. Si Abraham ay matanda na at lipas na sa panahon; at pinagpala ng PANGINOON si Abraham sa lahat ng mga bagay. At sinabi ni Abraham sa kanyang alipin, sa pinakamatanda sa kanyang bahay na namamahala ng lahat niyang ari-arian, "Pakilagay mo ang iyong kamay sa ilalim ng aking hita, at ikaw ay aking panunumpain sa ngalan ng PANGINOON, ang Diyos ng langit at lupa, na hindi mo ikukuha ng asawa ang aking anak sa mga anak na babae ng mga Cananeo na siyang aking tinitirhan, kundi ikaw ay pupunta sa aking lupain, at sa aking kamag-anak, at ikukuha mo roon ng asawa ang aking anak na si Isaac." Sinabi sa kanya ng alipin, "Sakaling hindi pumayag ang babae na sumama sa akin sa lupaing ito; dapat ko bang ibalik ang anak mo sa lupaing pinanggalingan mo?" Sinabi naman sa kanya ni Abraham, "Huwag mong ibabalik doon ang aking anak. Ang PANGINOON, ang Diyos ng langit, na kumuha sa akin sa sambahayan ng aking ama, at sa lupaing aking tinubuan ay nagsalita at sumumpa sa akin na nagsasabi, 'Sa iyong binhi ay ibibigay ko ang lupaing ito;' magsusugo siya ng kanyang anghel sa unahan mo, at ikukuha mo roon ng asawa ang aking anak. Subalit kung ang babae ay ayaw sumama sa iyo, ikaw ay magiging malaya sa aking sumpa; huwag mo lamang pabalikin ang aking anak doon." Inilagay ng alipin ang kanyang kamay sa ilalim ng hita ni Abraham na kanyang panginoon, at sumumpa sa kanya tungkol sa bagay na ito. Kumuha ang alipin ng sampung kamelyo mula sa kanyang panginoon, at umalis na dala ang pinakamabuti sa lahat ng pag-aari ng kanyang panginoon. At pumunta siya sa Mesopotamia, sa bayan ni Nahor. Kanyang pinaluhod ang mga kamelyo sa labas ng bayan, sa tabi ng balon ng tubig nang papalubog na ang araw, panahon nang paglabas ng mga babae upang umigib ng tubig. At kanyang sinabi, "O PANGINOON, Diyos ng aking panginoong si Abraham, hinihiling ko sa iyong pagkalooban mo ako ng tagumpay ngayon, at ikaw ay magmagandang-loob sa aking panginoong si Abraham. Ako'y nakatayo sa tabi ng balon ng tubig at ang mga anak na babae ng mga tao sa bayan ay darating upang umigib ng tubig. At mangyari na ang dalagang aking pagsabihan, 'Pakibaba mo ang iyong banga upang ako'y makainom;' at kanyang sasabihin, 'Uminom ka, at paiinumin ko pati ang iyong mga kamelyo;' ay siyang pinili mo para sa iyong lingkod na si Isaac; at sa ganito ay malalaman kong nagpakita ka ng tapat na pag-ibig sa aking panginoon." Bago pa man siya nakatapos ng pagsasalita, si Rebecca na ipinanganak kay Betuel, na anak ni Milca, na asawa ni Nahor na kapatid ni Abraham ay lumabas na pasan ang banga sa kanyang balikat. Ang babae ay may magandang anyo, dalaga na hindi pa nasisipingan ng lalaki. Siya ay lumusong sa bukal, pinuno ang kanyang banga, at umahon. Tumakbo ang alipin upang salubungin siya at sinabi, "Makikiinom ako ng kaunting tubig sa iyong banga." At sinabi niya, "Uminom ka, panginoon ko." Nagmadali niyang ibinaba ang banga sa kanyang kamay, at pinainom siya. Pagkatapos na siya'y kanyang mapainom, siya ay nagsabi, "Iiigib ko naman ang iyong mga kamelyo, hanggang silang lahat ay makainom na." Kaagad na ibinuhos ang kanyang banga sa inuman at tumakbong muli sa balon upang umigib at siya'y umigib para sa lahat niyang kamelyo. Ang lalaki ay nanatiling tahimik na tinitingnan siya upang malaman kung pinagpala ng PANGINOON ang kanyang paglalakbay o hindi. Nang makainom ang mga kamelyo, kumuha ang lalaki ng isang singsing na ginto, na may kalahating siklo ang timbang, at dalawang pulseras para sa kanyang mga kamay, na may timbang na sampung siklong ginto. Kanyang itinanong, "Kanino kang anak? Sabihin mo sa akin, may lugar ba sa bahay ng iyong ama na aming matutuluyan?" At sinabi niya sa kanya, "Anak ako ni Betuel, na anak ni Milca, na ipinanganak niya kay Nahor." Sinabi rin niya sa kanya, "Sagana kami sa dayami at pagkain sa hayop, at mayroon ding lugar na matutuluyan." At lumuhod ang lalaki at sumamba sa PANGINOON. Sinabi niya, "Purihin ang PANGINOON, ang Diyos ng aking panginoong si Abraham, na hindi inilayo ang kanyang habag at ang kanyang katapatan sa aking panginoon. Nang ako ay nasa daan, pinatnubayan ako ng PANGINOON hanggang sa bahay ng mga kapatid ng aking panginoon." Tumakbo ang dalaga at isinalaysay ang mga bagay na ito sa sambahayan ng kanyang ina. Si Rebecca ay may isang kapatid na ang pangalan ay Laban. Tumakbong papalabas si Laban patungo sa lalaki na nasa bukal. Nang makita niya ang singsing at mga pulseras sa mga kamay ng kanyang kapatid, at pagkarinig sa mga salita ni Rebecca na kanyang kapatid, na sinasabi, "Gayon ang sinabi sa akin ng lalaki;" ay lumapit siya sa lalaki at nakitang ito'y nakatayo sa tabi ng mga kamelyo sa bukal. At sinabi niya, "Pumasok ka, pinagpala ng PANGINOON. Bakit ka nakatayo sa labas? Naihanda ko na ang bahay at ang lugar para sa mga kamelyo." Pumasok ang lalaki sa bahay at kinalagan ang mga kamelyo. Binigyan ni Laban ng dayami at pagkain ang mga kamelyo, at ng tubig upang ipaghugas ng kanyang mga paa at mga paa ng mga taong kasama niya. At siya'y hinainan nila ng pagkain, ngunit sinabi niya, "Hindi ako kakain hanggang hindi ko nasasabi ang aking sadya." At sinabi ni Laban, "Magsalita ka." At kanyang sinabi, "Ako ay alipin ni Abraham. Pinagpalang mabuti ng PANGINOON ang aking panginoon at siya'y naging dakila. Siya'y binigyan ng kawan at bakahan, pilak at ginto, mga aliping lalaki at babae, mga kamelyo at mga asno. At si Sara na asawa ng aking panginoon ay nagkaanak ng lalaki sa aking panginoon nang siya'y matanda na, at kanyang ibinigay sa kanya ang lahat niyang pag-aari. Pinapanumpa ako ng aking panginoon, na sinasabi, 'Huwag mong ikukuha ng asawa ang aking anak sa mga anak na babae ng mga Cananeo na siyang lupaing aking tinitirhan; kundi pumunta ka sa bahay ng aking ama at sa aking mga kamag-anak at ikuha mo roon ng asawa ang aking anak.' Kaya't sinabi ko sa aking panginoon, 'Baka hindi sumama sa akin ang babae!' At sinabi niya sa akin, 'Ang PANGINOON, na lagi kong sinusunod ay magsusugo ng kanyang anghel upang makasama mo, at kanyang pagpapalain ang iyong lakad, at ikukuha mo ng asawa ang aking anak mula sa aking mga kamag-anak at sa angkan ng aking ama. Makakalaya ka sa aking sumpa, kapag ikaw ay dumating sa aking mga kamag-anak; kahit hindi nila ibigay sa iyo ang babae ay makakalaya ka sa aking sumpa.' "Dumating ako nang araw na ito sa bukal at aking sinabi, 'O PANGINOON, na Diyos ng aking panginoong si Abraham, kung kalooban mo, idinadalangin ko na iyong pagpalain ang daan na malapit ko nang tahakin. Nakatayo ako sa tabi ng bukal ng tubig at kapag ang dalaga ay dumating upang umigib at sinabi ko sa kanya, "Makikiinom ako ng kaunting tubig sa iyong banga;" at sinabi niya sa akin, "Uminom ka, at iiigib ko rin ang iyong mga kamelyo," ay siyang maging babaing pinili ng PANGINOON sa anak ng aking panginoon.' "Bago ako nakatapos sa pagsasalita sa aking puso, nakita ko si Rebecca na lumalabas na pasan ang kanyang banga sa kanyang balikat. Siya ay lumusong sa bukal at umigib at aking sinabi sa kanya, 'Makikiinom ako sa iyo.' Dali-dali niyang ibinaba ang kanyang banga sa kanyang balikat, at sinabi, 'Uminom ka, at paiinumin ko pati ang iyong mga kamelyo,' sa gayo'y uminom ako, at pinainom niya pati ang mga kamelyo. At siya'y aking tinanong, 'Kanino kang anak?' At kanyang sinabi, 'Anak ako ni Betuel, na anak ni Nahor, na ipinanganak sa kanya ni Milca.' At inilagay ko ang singsing sa kanyang ilong, at ang mga pulseras sa kanyang mga kamay. At aking iniyuko ang aking ulo at sumamba ako sa PANGINOON at pinuri ang PANGINOON, na Diyos ng aking panginoong si Abraham, na pumatnubay sa akin sa tunay na daan upang kunin ang anak ng kapatid ng aking panginoon, para sa kanyang anak. Ngayon, kung kayo ay gagawa ng kagandahang-loob at katapatan sa aking panginoon ay sabihin ninyo sa akin, at kung hindi, ay sabihin din ninyo sa akin upang malaman ko kung ako ay liliko sa kanan o sa kaliwa." Nang magkagayo'y sumagot sina Laban at Betuel at sinabi, "Sa PANGINOON ito nagmumula. Kami ay hindi makapagsasabi sa iyo ng masama o ng mabuti. Narito, si Rebecca ay nasa harap mo, dalhin mo, at humayo ka. Siya'y maging asawa ng anak ng iyong panginoon, gaya ng sinabi ng PANGINOON." Nang marinig ng alipin ni Abraham ang kanilang mga salita, siya ay nagpatirapa sa lupa sa harap ng PANGINOON. At naglabas ang alipin ng mga alahas na pilak at ginto, at mga damit, at ibinigay kay Rebecca. Nagbigay rin siya ng mahahalagang bagay sa kanyang kapatid na lalaki at sa kanyang ina. At sila'y nagsikain at nagsiinom, siya at ang mga taong kasama niya, at doon nagpalipas ng magdamag. Bumangon sila nang umaga at kanyang sinabi, "Pabalikin na ninyo ako sa aking panginoon." At sinabi ng kanyang kapatid na lalaki at ng kanyang ina, "Hayaan muna ninyong manatili sa amin ang dalaga ng ilang araw, sampung araw man lamang; pagkatapos ay maaari na siyang umalis." At sinabi niya sa kanila, "Huwag na ninyo akong patagalin, yamang pinagpala ng PANGINOON ang aking lakad. Pabalikin na ninyo ako upang ako'y makauwi sa aking panginoon." Sinabi nila, "Tatawagin namin ang dalaga at tatanungin siya." At kanila ngang tinawag si Rebecca at kanilang sinabi sa kanya, "Sasama ka ba sa lalaking ito?" At sinabi niya, "Sasama ako." Kaya't kanilang pinasama si Rebecca na kanilang kapatid at ang kanyang tagapag-alaga kasama ang alipin ni Abraham at ang kanyang mga tauhan. At kanilang binasbasan si Rebecca at sinabi nila sa kanya, "Kapatid namin, maging ina ka nawa ng libu-libo at makamit ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng mga napopoot sa kanila." Tumindig si Rebecca at ang kanyang mga abay, at sila ay sumakay sa mga kamelyo, at sumunod sa lalaki; at dinala ng alipin si Rebecca at humayo. Ngayon, si Isaac ay nanggaling sa daang Beer-lahai-roi at siya'y nakatira sa lupain ng Negeb. Lumabas si Isaac sa parang upang maglakad-lakad ng dapit-hapon. Itinaas niya ang kanyang mga paningin at nakita niyang may dumarating na mga kamelyo. Tumingin naman si Rebecca at kanyang nakita si Isaac. Mabilis siyang bumaba sa kamelyo. Sinabi ni Rebecca sa alipin, "Sino ang taong ito na naglalakad sa parang upang sumalubong sa atin?" At sinabi ng alipin, "Iyon ang aking panginoon." Kinuha niya ang kanyang belo, at siya'y nagtakip. At isinalaysay ng alipin kay Isaac ang lahat ng kanyang ginawa. Dinala siya ni Isaac sa tolda ni Sara na kanyang ina. Kinuha niya si Rebecca at siya'y naging asawa niya, at siya'y kanyang minahal. Kaya't naaliw si Isaac pagkamatay ng kanyang ina. Abraham ay nag-asawa ng iba at ang kanyang pangalan ay Ketura. Naging mga anak nito sina Zimram, Jokshan, Medan, Midian, Isbak, at Shua. Naging anak ni Jokshan sina Seba at Dedan. At ang mga anak na lalaki ni Dedan ay sina Assurim, Letusim, at Leummim. Ang mga ito ang naging anak ni Midian: Efa, Efer, Hanoc, Abida, at Eldaa. Lahat ng ito ay mga anak ni Ketura. At ibinigay ni Abraham ang lahat ng kanyang pag-aari kay Isaac. Subalit ang mga anak ng naging mga asawang-lingkod ni Abraham ay binigyan ni Abraham ng mga kaloob. Habang nabubuhay pa siya ay inilayo niya ang mga ito kay Isaac na kanyang anak. Kanyang pinapunta sila sa lupaing silangan. At ito ang haba ng buhay ni Abraham, isandaan at pitumpu't limang taon. Nalagot ang hininga ni Abraham at namatay sa mabuting katandaan, matanda at puspos ng mga taon; at naging kasama ng kanyang bayan. Inilibing siya ng kanyang mga anak na sina Isaac at Ismael sa yungib ng Macpela, sa parang ni Efron na anak ni Zohar na Heteo, na nasa tapat ng Mamre, sa parang na binili ni Abraham sa mga anak ni Het. Doon inilibing si Abraham at si Sara na kanyang asawa. Pagkamatay ni Abraham, pinag-pala ng Diyos si Isaac na kanyang anak; at si Isaac ay nanirahan sa may Beer-lahai-roi. Ang mga ito ang salinlahi ni Ismael, na anak ni Abraham, na naging anak kay Abraham ni Hagar na taga-Ehipto, na alila ni Sara. Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Ismael, ayon sa pagkakasunod-sunod ng kanilang kapanganakan: ang panganay ni Ismael ay si Nebayot, pagkatapos ay sina Kedar, Adbeel, Mibsam, Misma, Duma, Massa, Hadad, Tema, Jetur, Nafis, at si Kedema. Ito ang mga anak ni Ismael, at ito ang kanya-kanyang pangalan, ayon sa kanya-kanyang nayon, at ayon sa kanya-kanyang kampo; labindalawang pinuno ayon sa kanilang bansa. At ito ang haba ng buhay ni Ismael, isandaan at tatlumpu't pitong taon; at nalagot ang hininga at namatay; at siya'y naging kasama ng kanyang bayan. Nanirahan sila mula sa Havila hanggang sa Shur, na tapat ng Ehipto, kapag patungo sa Asiria; siya'y nanirahang kasama ng lahat niyang mga kababayan. Ito ang mga salinlahi ni Isaac, na anak ni Abraham: naging anak ni Abraham si Isaac, at si Isaac ay apatnapung taon nang siya'y mag-asawa kay Rebecca, na anak ni Betuel na Arameo sa Padan-aram, kapatid na babae ni Laban na Arameo. Nanalangin si Isaac sa PANGINOON para sa kanyang asawa, sapagkat siya'y baog; at dininig ng PANGINOON ang kanyang panalangin at si Rebecca na kanyang asawa ay naglihi. Ang mga bata sa loob niya ay naglaban at kanyang sinabi, "Kung ito ay tama, bakit ako mabubuhay?" Kaya't siya'y humayo upang magtanong sa PANGINOON. Sinabi sa kanyang PANGINOON, "Dalawang bansa ang nasa iyong bahay-bata, at ang dalawang bayan na ipapanganak mo ay magiging hati; ang isa ay magiging higit na malakas kaysa isa, at ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata." Nang dumating ang panahon ng kanyang panganganak, kambal ang nasa kanyang bahay-bata. Ang unang lumabas ay mapula na ang buong katawa'y parang mabalahibong damit; kaya't siya'y pinangalanang Esau. Pagkatapos ay lumabas ang kanyang kapatid, at ang kanyang kamay ay nakakapit sa sakong ni Esau; kaya't ang ipinangalan sa kanya ay Jacob. Si Isaac ay may animnapung taon na nang sila'y ipanganak ni Rebecca. Nang lumaki ang mga bata, si Esau ay naging sanay sa pangangaso, isang lalaki sa parang; samantalang si Jacob ay lalaking tahimik, na naninirahan sa mga tolda. Minahal ni Isaac si Esau, sapagkat siya'y kumakain ng mula sa kanyang pangangaso, at minahal naman ni Rebecca si Jacob. Minsan, nagluto si Jacob ng nilaga. Dumating si Esau mula sa parang at siya'y gutom na gutom. Sinabi ni Esau kay Jacob, "Pakainin mo naman ako nitong mapulang nilaga sapagkat ako'y gutom na gutom." Dahil dito ay tinawag ang kanyang pangalan na Edom. Sinabi ni Jacob, "Ipagbili mo muna sa akin ngayon ang iyong pagkapanganay." Sinabi ni Esau, "Ako'y malapit nang mamatay. Ano ang mapapakinabang ko sa pagkapanganay?" Sinabi ni Jacob, "Isumpa mo muna sa akin." At sumumpa siya sa kanya at kanyang ipinagbili ang kanyang pagkapanganay kay Jacob. At binigyan ni Jacob si Esau ng tinapay at nilaga na lentehas. Siya'y kumain, uminom, tumayo, at umalis. Ganyan hinamak ni Esau ang kanyang pagkapanganay. Nagkaroon ng taggutom sa lupain, bukod sa unang taggutom na nangyari nang mga araw ni Abraham. Pumunta si Isaac kay Abimelec, na hari ng mga Filisteo sa Gerar. At nagpakita ang PANGINOON kay Isaac at sinabi, "Huwag kang bumaba sa Ehipto; manatili ka sa lupaing aking sasabihin sa iyo. Manatili ka sa lupaing ito, at sasamahan kita, at ikaw ay aking pagpapalain; sapagkat sa iyo at sa iyong binhi ay ibibigay ko ang lahat ng lupaing ito, at tutuparin ko ang aking ipinangako kay Abraham na iyong ama. Pararamihin ko ang iyong binhi na gaya ng mga bituin sa langit at ibibigay ko sa iyong binhi ang lahat ng lupaing ito at pagpapalain ang lahat ng bansa sa lupa sa pamamagitan ng iyong binhi, sapagkat pinakinggan ni Abraham ang aking tinig at sinunod ang aking tagubilin, ang aking mga utos, ang aking mga batas at ang aking mga kautusan." Nanirahan si Isaac sa Gerar. Tinanong siya ng mga taong taga-roon tungkol sa kanyang asawa, at sinabi niya, "Siya'y aking kapatid;" sapagkat takot siyang sabihin na, "Siya'y aking asawa." Inakala niya na "baka ako'y patayin ng mga taong taga-rito, dahil kay Rebecca; dahil sa siya'y may magandang anyo." Nang siya'y matagal nang naroroon, dumungaw si Abimelec na hari ng mga Filisteo sa isang durungawan, at nakita si Isaac na hinahaplos si Rebecca na kanyang asawa. Kaya't tinawag ni Abimelec si Isaac at sa kanya'y sinabi, "Asawa mo pala siya! Bakit sinabi mong, 'Siya'y aking kapatid'? " Sumagot sa kanya si Isaac, "Sapagkat inakala kong baka ako'y mamatay dahil sa kanya." At sinabi ni Abimelec, "Ano itong ginawa mo sa amin? Paano kung may sumiping sa iyong asawa, at ikaw sana ang naging dahilan upang kami ay magkasala?" Kaya't iniutos ni Abimelec sa buong bayan, "Ang gumalaw sa lalaking ito o sa kanyang asawa ay mamamatay." At si Isaac ay naghasik sa lupaing iyon, at umani siya ng taong yaon ng makasandaang ibayo. Pinagpala siya ng PANGINOON, at naging mayaman ang lalaki at patuloy na naging mayaman hanggang sa naging napakayaman. At siya'y may ari-arian na mga kawan, mga bakahan, at malaking sambahayan; at kinainggitan siya ng mga Filisteo. Lahat ng mga balong hinukay ng mga alipin ng kanyang amang si Abraham ay pinagtatabunan at pinuno ng lupa ng mga Filisteo. Sinabi ni Abimelec kay Isaac, "Humiwalay ka sa amin, sapagkat ikaw ngayon ay higit na malakas kaysa amin." At umalis si Isaac doon at nagkampo sa libis ng Gerar at nanirahan doon. Muling hinukay ni Isaac ang mga balon ng tubig na kanilang hinukay nang mga araw ni Abraham na kanyang ama; sapagkat pinagtatabunan iyon ng mga Filisteo pagkamatay ni Abraham. Pinangalanan niya ang mga iyon ayon sa mga pangalang itinawag sa kanila ng kanyang ama. Humukay sa libis ang mga alipin ni Isaac at nakatagpo roon ng isang balon ng tubig na bumubukal. Nakipagtalo ang mga pastol ng Gerar sa mga pastol ni Isaac, na sinasabi, "Ang tubig ay amin." Kanyang tinawag ang pangalan ng balon na Esec sapagkat sila'y nakipagtalo sa kanya. Kaya't sila'y humukay ng ibang balon at muli nilang pinagtalunan, at ito ay tinawag niya sa pangalang Sitnah. Umalis siya roon at humukay ng ibang balon at hindi nila pinagtalunan at ito ay kanyang tinawag sa pangalang Rehobot, at kanyang sinabi, "Sapagkat ngayo'y binigyan tayo ng PANGINOON ng kaluwagan at tayo ay magiging mabunga sa lupain." Mula roon ay umahon siya sa Beer-seba. At nagpakita sa kanya ang PANGINOON nang gabi ring iyon at sinabi, 'Ako ang Diyos ng iyong amang si Abraham. Huwag kang matakot sapagkat sasamahan kita, at ikaw ay aking pagpapalain, at aking pararamihin ang iyong binhi alang-alang kay Abraham na aking lingkod. Doon ay nagtayo si Isaac ng isang dambana at tumawag sa pangalan ng PANGINOON. Itinayo niya roon ang kanyang tolda at humukay doon ng balon ang mga alipin ni Isaac. Pagkatapos noo'y pumunta si Abimelec sa kanya mula sa Gerar, kasama si Ahuzath na kanyang tagapayo, at si Ficol na kapitan ng kanyang hukbo. Sinabi sa kanila ni Isaac, "Bakit kayo pumarito sa akin, yamang kayo'y napopoot sa akin at pinalayas ninyo ako?" At sinabi nila, "Malinaw naming nakita na ang PANGINOON ay naging kasama mo; kaya't sinasabi namin, 'Magkaroon tayo ng sumpaan, kami ay makikipagtipan sa iyo,' na hindi ka gagawa sa amin ng masama, gaya rin na hindi ka namin ginalaw, at wala kaming ginawa sa iyong di mabuti, at pinaalis ka naming payapa. Ikaw ngayon ang pinagpala ng PANGINOON." Kaya siya'y nagpahanda ng maraming pagkain para sa kanila, at sila'y kumain at uminom. Kinaumagahan, maaga silang gumising at sila'y nagsumpaan. Sila'y pinalakad na ni Isaac sa kanilang patutunguhan at iniwan nilang payapa si Isaac. Nang araw ding iyon, dumating ang mga alipin ni Isaac at siya'y binalitaan tungkol sa hinukay nilang balon, at sinabi sa kanya, "Nakatagpo kami ng tubig." Tinawag niya itong Seba kaya't ang pangalan ng bayang iyon ay Beer-seba hanggang ngayon. Nang si Esau ay apatnapung taong gulang, siya ay nag-asawa kay Judith na anak ni Beeri na Heteo, at kay Basemat na anak ni Elon na Heteo. At ginawa nilang mapait ang buhay para kina Isaac at Rebecca. Nang matanda na si Isaac, malabo na ang kanyang mga mata at anupa't hindi na makakita. Tinawag niya si Esau na kanyang panganay at sinabi sa kanya, "Anak ko." At kanyang sinabi, "Narito ako." At sinabi niya, "Masdan mo, ako'y matanda na at hindi ko nalalaman ang araw ng aking kamatayan. Hinihiling ko na kunin mo ngayon ang iyong mga sandata, ang iyong lalagyan ng pana, at ang iyong busog. Pumunta ka sa parang at ihuli mo ako ng usa. Ipaghanda mo ako ng masarap na pagkain gaya ng aking ibig, at dalhin mo rito sa akin at ako'y makakain, upang ikaw ay mabasbasan ko bago ako mamatay." Naririnig ni Rebecca ang pagsasalita ni Isaac kay Esau na kanyang anak. Kaya't nang pumunta si Esau sa parang upang manghuli ng usa at magdala nito, ay sinabi ni Rebecca kay Jacob na kanyang anak, "Narinig ko ang iyong ama na nagsasabi kay Esau na iyong kapatid, 'Dalhan mo ako ng usa, at ipaghanda mo ako ng masarap na pagkain upang ako'y makakain, at ikaw ay aking basbasan sa harap ng PANGINOON bago ako mamatay.' Kaya ngayon, anak ko, sundin mo ang aking sinabi, ayon sa iniutos ko sa iyo. Pumaroon ka ngayon sa kawan, at dalhin mo sa akin ang dalawang magandang batang kambing at gagawin kong masarap na pagkain para sa iyong ama, ayon sa kanyang ibig. Dadalhin mo ito sa iyong ama at hayaan mong kumain upang ikaw ay kanyang basbasan bago siya mamatay." Subalit sinabi ni Jacob kay Rebecca na kanyang ina, "Si Esau na aking kapatid ay taong mabalahibo at ako'y taong makinis. Baka hipuin ako ng aking ama, at ako ay magiging mandaraya sa kanyang paningin; at ang aking matatanggap ay sumpa at hindi pagpapala." Sinabi sa kanya ng kanyang ina, "Mapasaakin na ang sumpa sa iyo, anak ko. Sundin mo lamang ang aking sinabi.Umalis ka na at dalhin ang mga iyon sa akin." Kaya't siya'y umalis at kinuha ang mga ito at dinala sa kanyang ina. Gumawa ang kanyang ina ng masarap na pagkaing gusto ng kanyang ama. Kinuha ni Rebecca ang pinakamagandang damit ng kanyang panganay na anak na si Esau na nasa kanya sa bahay at isinuot kay Jacob na kanyang bunsong anak. At ang mga balat ng mga batang kambing ay ibinalot sa kanyang mga kamay, at sa makinis na bahagi ng kanyang leeg. Ibinigay niya ang masarap na pagkain at ang tinapay na kanyang inihanda kay Jacob na kanyang anak. At siya'y lumapit sa kanyang ama at sinabi, "Ama ko;" at sinabi niya, "Narito ako; sino ka, anak ko?" Sinabi ni Jacob sa kanyang ama, "Ako'y si Esau na iyong panganay; ginawa ko ang ayon sa sinabi mo sa akin. Bumangon ka ngayon, umupo at kumain ka ng aking usa upang ako'y mabasbasan mo." At sinabi ni Isaac sa kanyang anak, "Ano't napakadali mong nakakuha, anak ko?" At sinabi niya, "Sapagkat ang PANGINOON mong Diyos ang nagbigay sa akin ng tagumpay." Sinabi ni Isaac kay Jacob, "Anak ko, lumapit ka rito at hahawakan kita, kung ikaw nga ang aking anak na si Esau o hindi." Lumapit si Jacob kay Isaac na kanyang ama at hinawakan siya at sinabi, "Ang tinig ay tinig ni Jacob, ngunit ang mga kamay ay mga kamay ni Esau." Hindi niya nakilala si Jacob sapagkat ang kanyang kamay ay kagaya ng mabalahibong mga kamay ng kanyang kapatid na si Esau. Kaya't siya'y binasbasan ni Isaac. At sinabi niya, "Ikaw nga ba ang aking anak na si Esau?" At sinabi ni Jacob, "Ako nga." Sinabi niya, "Dalhin mo na sa akin upang makakain ako ng usa; ng aking anak, upang mabasbasan ka." Inilapit niya ito sa kanya at kumain siya, at siya'y dinalhan niya ng alak, at siya'y uminom. Sinabi sa kanya ni Isaac na kanyang ama, "Anak ko, lumapit ka ngayon at humalik ka sa akin." At siya'y lumapit at humalik siya sa kanya at naamoy ng ama ang amoy ng kanyang mga suot. Siya'y binasbasan, at sinabi, "Ang amoy ng aking anak ay gaya ng amoy ng isang parang na pinagpala ng PANGINOON. Nawa'y bigyan ka ng Diyos ng hamog ng langit, at ng taba ng lupa, at ng saganang trigo at alak. Ang mga bayan nawa ay maglingkod sa iyo, at ang mga bansa ay magsiyukod sa iyo, Maging panginoon ka nawa ng iyong mga kapatid, at magsiyukod sa iyo ang mga anak ng iyong ina. Sumpain nawa ang mga sumusumpa sa iyo, at maging mapapalad ang mga magpapala sa iyo." Katatapos pa lamang basbasan ni Isaac si Jacob, at bahagya pa lamang nakakaalis si Jacob sa harap ni Isaac na kanyang ama, ay dumating si Esau na kanyang kapatid na galing sa kanyang pangangaso. Naghanda rin siya ng masarap na pagkain at dinala niya sa kanyang ama. Sinabi niya sa kanyang ama, "Bangon na, ama ko, at kumain ka ng usa ng iyong anak upang mabasbasan mo ako." Sinabi ni Isaac na kanyang ama sa kanya, "Sino ka?" At kanyang sinabi, "Ako ang iyong anak, ang iyong panganay na si Esau." At nanginig nang husto si Isaac, at sinabi, "Sino nga iyong kumuha ng usa at dinala sa akin, at ako'y kumain noon bago ka dumating, at siya'y aking binasbasan? Kaya't siya'y magiging mapalad!" Nang marinig ni Esau ang mga salita ng kanyang ama ay sumigaw siya nang malakas at umiyak na may kapaitan at sinabi sa kanyang ama, "Basbasan mo rin ako, aking ama." Ngunit sinabi niya, "Pumarito ang iyong kapatid sa pamamagitan ng pandaraya, at kinuha ang basbas sa iyo." At kanyang sinabi, "Hindi ba't tumpak na ang pangalan niya ay Jacob? Dalawang ulit niya akong inagawan. Kinuha niya ang aking pagkapanganay at ngayo'y kinuha ang basbas sa akin." At kanyang sinabi, "Wala ka bang inilaang basbas para sa akin?" Sumagot si Isaac kay Esau. "Ginawa ko na siya bilang panginoon mo, at ibinigay ko sa kanya ang lahat niyang mga kapatid bilang mga lingkod, at binigyan ko siya ng trigo at alak. Ano ngayon ang magagawa ko para sa iyo, anak ko?" Sinabi ni Esau sa kanyang ama, "Wala ka na bang basbas maliban sa isa, ama ko? Basbasan mo rin ako, ama ko." At sumigaw si Esau at umiyak. Sumagot si Isaac na kanyang ama, "Tingnan mo, papalayo sa taba ng lupa ang iyong tahanan, at papalayo sa hamog ng langit sa itaas; mabubuhay ka sa pamamagitan ng iyong tabak at maglilingkod ka sa iyong kapatid, at kapag ikaw ay lumaban, babaliin mo ang kanyang pamatok na nasa iyong leeg." Kaya't kinapootan ni Esau si Jacob dahil sa basbas na ibinigay sa kanya ng kanyang ama. At sinabi ni Esau sa sarili, "Malapit na ang mga araw ng pagluluksa sa aking ama; pagkatapos ay papatayin ko si Jacob na aking kapatid." Ngunit ang mga salita ni Esau na kanyang panganay ay naibalita kay Rebecca. Kaya't siya'y nagsugo at ipinatawag si Jacob na kanyang bunso at sinabi sa kanya, "Inaaliw ng iyong kapatid na si Esau ang kanyang sarili sa pagpaplanong ikaw ay patayin. Ngayon, anak ko, sundin mo ang aking tinig; bumangon ka at tumakas ka patungo sa aking kapatid na si Laban na nasa Haran. Tumigil ka sa kanya nang ilang araw hanggang sa mapawi ang galit ng iyong kapatid, hanggang sa mapawi ang galit sa iyo ng iyong kapatid at malimutan niya ang ginawa mo sa kanya. Pagkatapos ay magsusugo ako at ipasusundo kita mula roon. Bakit kailangang kapwa kayo mawala sa akin sa isang araw?" At sinabi ni Rebecca kay Isaac, "Ako'y yamot na sa aking buhay, dahil sa mga anak na babae ni Het. Kung si Jacob ay mag-aasawa mula sa mga anak ni Het na gaya ng mga ito mula sa mga anak ng lupain, ano pa ang kabuluhan ng buhay sa akin?" At tinawag ni Isaac si Jacob, at siya'y binasbasan, pinagbilinan, at sinabi sa kanya, "Huwag kang mag-aasawa sa mga anak ng Canaan. Tumindig ka at pumunta sa Padan-aram, sa bahay ni Betuel na ama ng iyong ina. Mag-asawa ka roon mula sa mga anak ni Laban na kapatid na lalaki ng iyong ina. At nawa'y pagpalain ka ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat, at ikaw ay pasaganain at paramihin, upang ikaw ay maging isang malaking bansa. Nawa'y ibigay niya sa iyo ang pagpapala ni Abraham, sa iyo at sa lahat ng iyong binhi; upang ariin mo ang lupaing iyong pinaglakbayan na ibinigay ng Diyos kay Abraham." At pinahayo ni Isaac si Jacob at pumunta siya sa Padan-aram, kay Laban na anak ni Betuel na Arameo, na kapatid ni Rebecca, na ina nina Jacob at Esau. Nakita ni Esau na binasbasan ni Isaac si Jacob, at siya'y pinapunta sa Padan-aram upang doon mag-asawa; at nang siya'y basbasan ay ipinagbilin sa kanya, "Huwag kang mag-aasawa sa mga anak na babae ng Canaan," at sinunod ni Jacob ang kanyang ama at ina at pumunta sa Padan-aram. Kaya't nang makita ni Esau na hindi nakakalugod ang mga anak ng Canaan kay Isaac na kanyang ama; pumunta si Esau kay Ismael at kinuhang asawa si Mahalat na kapatid na babae ni Nebayot at anak ni Ismael na anak ni Abraham, bukod pa sa mga asawang mayroon na siya. Umalis si Jacob sa Beer-seba at pumunta sa Haran. Dumating siya sa isang lugar at nagpalipas ng magdamag doon sapagkat lumubog na ang araw. Kumuha siya ng isa sa mga bato sa lugar na iyon at inilagay sa kanyang ulunan, at nahiga roon upang matulog. Siya ay nanaginip na may isang hagdan na nakalagay sa lupa, na ang dulo ay umaabot sa langit, at ang mga anghel ng Diyos ay nagmamanhik-manaog doon. At ang PANGINOON ay tumayo sa tabi niya at nagsabi, "Ako ang PANGINOON, ang Diyos ni Abraham na iyong ama, at ang Diyos ni Isaac. Ang lupang kinahihigaan mo ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong binhi. Ang iyong binhi ay magiging parang alabok sa lupa, at ikaw ay kakalat sa kanluran, silangan, hilaga, at sa timog at ang lahat ng angkan sa lupa ay pagpapalain sa pamamagitan mo at ng iyong binhi. Alamin mo na ako'y kasama mo at iingatan kita saan ka man pumunta, at ibabalik kita sa lupaing ito sapagkat hindi kita iiwan hanggang hindi ko nagagawa ang ipinangako ko sa iyo." Nagising si Jacob sa kanyang panaginip at sinabi, "Tunay na ang PANGINOON ay nasa lugar na ito at hindi ko iyon nalalaman." Siya'y natakot, at kanyang sinabi, "Kakilakilabot ang lugar na ito! Ito'y walang iba kundi ang bahay ng Diyos, at ito ang pintuan ng langit." Kinaumagahan, si Jacob ay maagang bumangon at kinuha ang batong kanyang inilagay sa ulunan niya, at kanyang itinayo bilang bantayog at kanyang binuhusan ng langis. Ang ipinangalan niya sa lugar na iyon ay Bethel,: subalit ang dating pangalan ng lunsod ay Luz. Si Jacob ay nagpanata na sinasabi, "Kung makakasama ko ang Diyos at ako'y iingatan sa daang ito na aking nilalakaran, at ako'y bibigyan niya ng tinapay na makakain, at damit na maisuot, at ako'y makabalik na payapa sa bahay ng aking ama, kung gayon ang PANGINOON ang magiging aking Diyos. Ang batong ito na aking itinayo bilang bantayog ay magiging bahay ng Diyos; at sa lahat ng ibibigay mo sa akin ay ibibigay ko ang ikasampung bahagi sa iyo." Nang magkagayo'y nagpatuloy si Jacob sa kanyang paglalakbay, at nagtungo sa lupain ng mga tao sa silangan. Siya'y tumingin at nakakita ng isang balon sa parang. May tatlong kawan ng mga tupa na nagpapahinga sa tabi roon, sapagkat sa balong iyon pinaiinom ang mga kawan. Ang batong nasa ibabaw ng labi ng balon ay napakalaki, at kapag nagkakatipon doon ang lahat ng kawan, iginugulong ng mga pastol ang batong nasa ibabaw ng labi ng balon, at pinaiinom ang mga tupa, at muling inilalagay ang bato sa kanyang lugar sa ibabaw ng balon. Sinabi sa kanila ni Jacob, "Mga kapatid ko, tagasaan kayo?" At kanilang sinabi, "Taga-Haran kami." Sinabi niya sa kanila, "Kilala ba ninyo si Laban na anak ni Nahor?" At kanilang sinabi, "Kilala namin siya." Sinabi niya sa kanila, "Siya ba'y mabuti ang kalagayan?" At kanilang sinabi, "Oo; at narito ang kanyang anak na si Raquel na dumarating kasama ang mga tupa!" Sinabi niya, "Tingnan ninyo, maaga pa, hindi pa oras upang tipunin ang mga hayop; painumin ninyo ang mga tupa, at inyo silang pastulin." Subalit sinabi nila, "Hindi namin magagawa hangga't hindi natitipong lahat ang kawan, at maigulong ang bato mula sa labi ng balon; at saka lamang namin paiinumin ang mga tupa." Samantalang nakikipag-usap pa siya sa kanila, dumating si Raquel kasama ang mga tupa ng kanyang ama; sapagkat siya ang nag-aalaga ng mga iyon. Nang makita ni Jacob si Raquel na anak ni Laban, na kapatid ng kanyang ina, at ang mga tupa ni Laban, lumapit si Jacob at iginulong ang bato mula sa labi ng balon at pinainom ang kawan ni Laban. Hinagkan ni Jacob si Raquel at umiyak nang malakas. Sinabi ni Jacob kay Raquel na siya'y kamag-anak ni Laban na kanyang ama, at anak siya ni Rebecca. Kaya't tumakbo si Raquel' at sinabi sa kanyang ama. Nang marinig ni Laban ang balita ni Jacob na anak ng kanyang kapatid, tumakbo siya upang salubungin si Jacob at ito ay kanyang niyakap, hinagkan, at dinala sa kanyang bahay. Isinalaysay ni Jacob kay Laban ang lahat ng mga bagay na ito at sinabi sa kanya ni Laban, "Talagang ikaw ay aking buto at aking laman." At siya'y tumigil doong kasama niya ng isang buwan. At sinabi ni Laban kay Jacob, "Hindi ba't ikaw ay aking kamag-anak? Dapat ka bang maglingkod sa akin nang walang upa? Sabihin mo sa akin, ano ang magiging upa mo?" May dalawang anak na babae si Laban; ang pangalan ng panganay ay Lea, at ang bunso ay si Raquel. Ang mga mata ni Lea ay mapupungay; at si Raquel ay magandang kumilos at kahali-halina. Mahal ni Jacob si Raquel; kaya't kanyang sinabi, "Paglilingkuran kita ng pitong taon dahil kay Raquel na iyong anak na bunso." Sinabi ni Laban, "Mas mabuti na ibigay ko siya sa iyo kaysa ibigay ko siya sa iba; tumira ka sa akin." At naglingkod si Jacob ng pitong taon dahil kay Raquel, na sa kanya'y naging parang ilang araw dahil sa pag-ibig niya sa kanya. Sinabi ni Jacob kay Laban, "Ibigay mo sa akin ang aking asawa sapagkat naganap na ang aking mga araw at hayaan mong ako'y sumiping sa kanya." Tinipong lahat ni Laban ang mga tao roon at siya'y gumawa ng isang handaan. Kinagabihan, kanyang kinuha si Lea na kanyang anak at dinala kay Jacob na sumiping naman sa kanya. Ibinigay ni Laban kay Lea ang kanyang alilang babae na si Zilpa upang kanyang maging alila. Kinaumagahan, si Lea pala iyon! At kanyang sinabi kay Laban, "Ano itong ginawa mo sa akin? Hindi ba pinaglingkuran kita dahil kay Raquel? Bakit mo ako dinaya?" Sinabi ni Laban, "Hindi ganyan ang kaugalian dito sa aming lupain, na ibinibigay ang bunso bago ang panganay. Tapusin mo ang linggong ito, at ibibigay rin namin sa iyo ang isa, bilang kapalit sa paglilingkod na gagawin mo sa akin na pitong taon pa." Ganoon ang ginawa ni Jacob, at tinapos niya ang linggo niya, at ibinigay ni Laban sa kanya si Raquel na kanyang anak upang maging asawa niya. Sa kanyang anak na si Raquel ay ibinigay ni Laban bilang alilang babae ang kanyang alilang si Bilha. Kaya't sumiping din si Jacob kay Raquel, at inibig si Raquel nang higit kaysa kay Lea; at naglingkod siya kay Laban ng pitong taon pa. Nang makita ng PANGINOON na si Lea ay kinapootan, binuksan niya ang kanyang bahay-bata; subalit si Raquel ay baog. Naglihi si Lea at nanganak ng isang lalaki, at tinawag niyang Ruben;" sapagkat kanyang sinabi, "Sapagkat tiningnan ng PANGINOON ang aking kapighatian; kaya't ngayo'y mamahalin ako ng aking asawa." Muli siyang naglihi at nanganak ng isang lalaki at sinabi, "Sapagkat narinig ng PANGINOON na ako'y kinapopootan, ibinigay rin niya sa akin ito"; at tinawag niyang Simeon." Muli siyang naglihi at nanganak ng isang lalaki, at nagsabi, "Ngayo'y makakasama ko na ang aking asawa, sapagkat nagkaanak ako sa kanya ng tatlong lalaki"; kaya't ang kanyang pangalan ay Levi." At muli siyang naglihi at nanganak ng isang lalaki, at nagsabi, "Ngayo'y pupurihin ko ang PANGINOON." Kaya't tinawag niyang Juda; at hindi na siya nanganak. Nang makita ni Raquel na hindi siya nagkakaanak kay Jacob ay nainggit siya sa kanyang kapatid, at sinabi niya kay Jacob, "Bigyan mo ako ng mga anak, at kapag hindi ay mamamatay ako!" Kaya't nag-alab ang galit ni Jacob laban kay Raquel, at sinabi niya, "Ako ba'y nasa kalagayan ng Diyos, na nagkait sa iyo ng bunga ng bahay-bata?" Sinabi niya, "Narito ang aking alilang si Bilha, sumiping ka sa kanya upang siya'y manganak para sa akin at nang magkaroon din naman ako ng anak sa pamamagitan niya." Kaya't ibinigay niya ang kanyang alilang si Bilha bilang isang asawa, at sinipingan siya ni Jacob. Kaya't naglihi si Bilha at nagkaanak kay Jacob ng isang lalaki. Sinabi ni Raquel, "Hinatulan ako ng Diyos, pinakinggan din ang aking tinig, at binigyan ako ng anak." Tinawag niya ang kanyang pangalan na Dan. Muling naglihi si Bilha na alila ni Raquel at ipinanganak ang kanyang ikalawang anak kay Jacob. Sinabi ni Raquel, "Ako'y nakipagbuno ng matinding pakikipagbuno sa aking kapatid, at ako'y nagtagumpay." Kaya't tinawag niya ang kanyang pangalan na Neftali. Nang makita ni Lea na siya'y huminto na sa panganganak, kinuha niya si Zilpa na kanyang alila at ibinigay kay Jacob bilang asawa. Kaya't si Zilpa na alila ni Lea ay nagkaanak ng isang lalaki kay Jacob. Sinabi ni Lea, "Mabuting kapalaran!" At tinawag niya ang kanyang pangalan na Gad. Ipinanganak ni Zilpa na alila ni Lea ang kanyang ikalawang anak kay Jacob. At sinabi ni Lea, "Maligaya na ako! Tatawagin akong maligaya ng mga babae." At tinawag niya ang kanyang pangalan na Aser. Nang panahon ng paggapas ng trigo humayo si Ruben at nakatagpo ng mandragora sa bukid, at dinala ang mga iyon kay Lea na kanyang ina. At sinabi ni Raquel kay Lea, "Sana bigyan mo ako ng ilang mandragora ng iyong anak." At kanyang sinabi, "Maliit pa bang bagay na kinuha mo ang aking asawa? Ibig mo pa rin bang kunin ang mga mandragora ng aking anak?" Sinabi ni Raquel, "Kaya't sisiping siya sa iyo ngayong gabi para sa mga mandragora ng iyong anak." Nang dumating si Jacob mula sa bukid noong hapon, sinalubong siya ni Lea at sinabi sa kanya, "Sa akin ka dapat sumiping sapagkat ikaw ay aking inupahan sa pamamagitan ng mga mandragora ng aking anak." At sumiping nga siya sa kanya ng gabing iyon. Kaya't pinakinggan ng Diyos si Lea at siya'y naglihi at ipinanganak kay Jacob ang ikalimang anak. Sinabi ni Lea, "Ibinigay sa akin ng Diyos ang aking iniupa, sapagkat ibinigay ko ang aking alila sa aking asawa." At tinawag niya ang kanyang pangalan na Isacar." Muling naglihi si Lea at kanyang ipinanganak kay Jacob ang ikaanim na anak. At sinabi ni Lea, "Binigyan ako ng Diyos ng isang mabuting kaloob. Ngayo'y pararangalan ako ng aking asawa, sapagkat nagkaanak ako sa kanya ng anim na lalaki." At tinawag niya ang kanyang pangalan na Zebulon. Pagkatapos ay nanganak siya ng babae, at tinawag ang kanyang pangalan na Dina. Inalala ng Diyos si Raquel, at pinakinggan siya at binuksan ang kanyang bahay-bata. Siya'y naglihi at nanganak ng lalaki at kanyang sinabi, "Inalis ng Diyos sa akin ang aking pagiging kahiyahiya." At kanyang tinawag ang pangalan niya na Jose, na sinasabi, "Nawa'y dagdagan pa ako ng PANGINOON ng isang anak." Nang maipanganak na ni Raquel si Jose, sinabi ni Jacob kay Laban, "Hayaan mo na akong umalis upang ako'y makapunta sa aking sariling lugar at sa aking lupain. Ibigay mo sa akin ang aking mga asawa at ang aking mga anak, na siyang dahilan ng paglilingkod ko sa iyo, at hayaan mo akong umalis sapagkat nalalaman mo ang paglilingkod na ibinigay ko sa iyo." Subalit sinabi sa kanya ni Laban, "Kung ipahihintulot mong sabihin ko, aking natutuhan sa pamamagitan ng panghuhula na pinagpala ako ng PANGINOON dahil sa iyo." At kanyang sinabi, "Sabihin mo sa akin ang iyong upa, at ibibigay ko sa iyo." Sinabi ni Jacob sa kanya, "Nalalaman mo kung paano akong naglingkod sa iyo, at kung anong naging kalagayan ng iyong mga hayop nang dahil sa akin. Sapagkat kakaunti ang ari-arian mo bago ako dumating, at ito ay dumami nang sagana. Pinagpala ka ng PANGINOON saan man ako bumaling; at ngayo'y kailan naman ako maghahanda ng para sa aking sariling bahay?" Sinabi sa kanya, 'Anong ibibigay ko sa iyo?" At sinabi ni Jacob, "Huwag mo akong bigyan ng anuman. Kung gagawin mo ang bagay na ito para sa akin, muli kong pakakainin at aalagaan ang iyong kawan. Dadaan ako sa lahat mong kawan ngayon, at aking aalisin doon ang lahat ng tupa na batik-batik at may dungis, at ang bawat maitim na tupa, at ang may dungis at batik-batik sa mga kambing, at sila ang aking magiging upa, Kaya't ang aking katapatan ay sasagot para sa akin sa huli, kapag ikaw ay dumating upang tingnan ang upa mo sa akin. Ang lahat na walang batik at walang dungis sa mga kambing, at hindi maitim sa mga tupa na matatagpuan mo sa akin, ay ituturing mong nakaw." At sinabi ni Laban, "Mabuti! Mangyari sana ayon sa iyong sinabi." Subalit nang araw ding iyon, ibinukod ni Laban ang mga lalaking kambing na may batik at dungis, at ang lahat ng babaing kambing na may batik at may dungis, lahat ng mayroong kaunting puti, at lahat ng tupa na maitim, at pinaalagaan sa kanyang mga anak. Siya'y nagtakda ng agwat na tatlong araw na lakarin sa pagitan niya at ni Jacob, habang pinakain ni Jacob ang nalabi sa mga kawan ni Laban. Pagkatapos ay kumuha si Jacob ng mga sariwang sanga ng alamo, almendro, at kastano, at binalatan ng mga batik na mapuputi, at kanyang pinalitaw na gayon ang puti na nasa mga sanga. Inilagay niya ang mga sangang kanyang binalatan sa harapan ng kawan, sa mga painuman, na pinupuntahan ng mga kawan upang uminom. At yamang sila'y nagtatalik kapag pumupunta upang uminom, ang mga kawan ay nagsisiping sa harap ng mga sanga kaya't ang kawan ay nagkaanak ng mga may guhit, may batik at may dungis. Ibinukod ni Jacob ang mga tupa at inihaharap ang kawan sa mga may batik, at lahat ng maitim sa kawan ni Laban; kanyang ibinukod ang kanya at hindi isinama sa kawan ni Laban. Sa tuwing magtatalik ang mga mas malalakas sa kawan, inilalagay ni Jacob ang mga sanga sa harapan ng mga kawan, sa mga painuman, upang sila'y magsiping sa gitna ng mga sanga. Subalit kapag ang kawan ay mahina, hindi niya inilalagay ang mga ito, kaya't ang mahihina ay nagiging kay Laban at ang malalakas ay kay Jacob. Kaya't si Jacob ay naging napakayaman at nagkaroon ng malalaking kawan, mga aliping babae at lalaki, mga kamelyo at mga asno. Narinig ni Jacob ang mga salita ng mga anak ni Laban, na nagsasabi, "Kinuha ni Jacob ang lahat ng sa ating ama. Mula sa ating ama ay tinamo niya ang lahat ng kanyang kayamanan." Nakita ni Jacob na ang pagturing sa kanya ni Laban ay hindi na kagaya nang dati. Kaya't sinabi ng PANGINOON kay Jacob, "Bumalik ka sa lupain ng iyong mga ninuno at sa iyong kamag-anak, at ako'y kasama mo." Kaya't si Jacob ay nagsugo at tinawag sina Raquel at Lea sa bukid na kinaroroonan ng kanyang kawan, at sinabi sa kanila, "Nakikita ko na ang pagturing sa akin ng inyong ama ay hindi na gaya nang dati; subalit ang Diyos ng aking ama ay kasama ko. Nalalaman ninyo na ang aking buong lakas ay ipinaglingkod ko sa inyong ama. Subalit dinaya ako ng inyong ama at binago ang aking sahod ng sampung ulit subalit hindi siya pinahintulutan ng Diyos na gawan ako ng masama. Kapag sinabi niya ang ganito, 'Ang mga may batik ang magiging sahod mo;' kung magkagayo'y naganganak ang lahat ng kawan ng mga may batik. At kapag sinabi niya ang ganito, 'Ang mga may guhit ang magiging sahod mo;' kung magkagayon, ang lahat ng kawan ay nanganganak ng mga may guhit. Sa gayon inalis ng Diyos ang mga hayop ng inyong ama, at ibinigay sa akin. Sa panahong ang kawan ay nagtatalik, ako ay nanaginip at nakita ko na ang mga kambing na lalaki na nakipagtalik sa kawan ay may mga guhit, may batik at may dungis. Ang anghel ng Diyos ay nagsalita sa akin sa panaginip, 'Jacob,' at sinabi ko, 'Narito ako.' At kanyang sinabi, 'Tingnan mo at iyong makikita na ang lahat ng kambing na nakikipagtalik sa kawan ay may guhit, may batik at may dungis; sapagkat nakita ko ang lahat na ginagawa sa iyo ni Laban. Ako ang Diyos ng Bethel na doon mo pinahiran ng langis ang haligi at doon ka gumawa ng panata sa akin. Tumayo ka ngayon, lumabas ka sa lupaing ito, at bumalik ka sa lupain na iyong sinilangan.'" Nagsisagot sina Raquel at Lea, at sinabi sa kanya, "Mayroon pa bang natitirang bahagi at mana para sa amin sa bahay ng aming ama? Hindi ba niya kami itinuring na mga taga-ibang bayan? Sapagkat ipinagbili niya kami at inubos na rin niya ang aming salapi. Lahat ng kayamanang inalis ng Diyos sa aming ama ay para sa amin at para sa aming mga anak. Ngayon nga, gawin mo ang lahat ng sinabi sa iyo ng Diyos." Nang magkagayo'y tumayo si Jacob, at pinasakay sa mga kamelyo ang kanyang mga anak at asawa. At kanyang dinala ang lahat niyang mga hayop, at ang lahat na pag-aari na kanyang natipon, ang hayop na kanyang natipon sa Padan-aram, upang pumunta sa lupain ng Canaan, kay Isaac na kanyang ama. Si Laban ay humayo upang gupitan ang kanyang mga tupa; at ninakaw naman ni Raquel ang mga diyos ng sambahayan ng kanyang ama. At dinaya ni Jacob si Laban na Arameo, sapagkat hindi sinabi sa kanya na siya'y tatakas. Kaya't tumakas siya dala ang lahat niyang ari-arian. Siya ay tumawid sa Ilog Eufrates, at pumunta sa maburol na lupain ng Gilead. Nang ikatlong araw ay nabalitaan ni Laban na tumakas na si Jacob. Kaya't ipinagsama niya ang kanyang mga kamag-anak, at hinabol siya sa loob ng pitong araw hanggang sa kanyang inabutan siya sa bundok ng Gilead. Subalit dumating ang Diyos kay Laban na Arameo sa panaginip sa gabi, at sinabi sa kanya, "Ingatan mong huwag kang magsalita kay Jacob ng mabuti o masama man." Inabutan ni Laban si Jacob. Naitirik na ni Jacob ang kanyang tolda sa bundok; at si Laban pati ng kanyang mga kamag-anak ay nagtirik din sa bundok ng Gilead. Sinabi ni Laban kay Jacob, "Anong ginawa mo? Dinaya mo ako at dinala ang aking mga anak na babae na parang mga bihag ng tabak? Bakit ka lihim na tumakas at dinaya mo ako at hindi ka nagsabi sa akin? Naihatid sana kita na may pagsasaya at awitan, may tambol at may alpa. Hindi mo man lamang ipinahintulot sa akin na mahalikan ang aking mga anak na lalaki at babae? Ang ginawa mo'y isang kahangalan. Nasa aking kapangyarihan ang gawan kayo ng masama. Ngunit ang Diyos ng inyong ama ay nagsalita sa akin kagabi, na sinasabi, 'Ingatan mong huwag kang magsalita kay Jacob ng mabuti o masama man.' Kahit kailangan mong umalis sapagkat nasasabik ka na sa bahay ng iyong ama, bakit mo ninakaw ang aking mga diyos?" At sumagot si Jacob kay Laban, "Sapagkat ako'y natakot; iniisip ko na baka kunin mo nang sapilitan sa akin ang iyong mga anak. Ngunit kanino mo man matagpuan ang iyong mga diyos ay hindi mabubuhay. Sa harapan ng ating mga kamag-anak, ituro mo kung anong iyo na nasa akin, at kunin mo iyon." Hindi nalalaman ni Jacob na si Raquel ang nagnakaw noon. Kaya pumasok si Laban sa tolda nina Jacob, Lea, at ng dalawang alilang babae, subalit hindi niya natagpuan. Lumabas siya sa tolda ni Lea at pumasok sa tolda ni Raquel. Nakuha nga ni Raquel ang mga diyos ng sambahayan at inilagay ang mga ito sa mga dala-dalahan ng kamelyo at kanyang inupuan. Hinalughog ni Laban ang buong palibot ng tolda, ngunit hindi niya natagpuan. At sinabi ni Raquel sa kanyang ama, "Huwag magalit ang aking panginoon na ako'y hindi makatayo sa harap mo; sapagkat dinatnan ako ngayon." Kaya't kanyang hinanap, ngunit hindi natagpuan ang mga diyos ng sambahayan. At si Jacob ay nagalit at nakipagtalo kay Laban. Sinabi ni Jacob kay Laban, "Ano ang aking paglabag at ang aking kasalanan, at habulin mo ako na may pag-iinit? Kahit hinalughog mo ang lahat ng aking kasangkapan, anong natagpuan mong kasangkapan ng iyong bahay? Ilagay mo rito sa harapan ng aking mga kamag-anak at ng iyong mga kamag-anak at hayaan mong magpasiya sila sa ating dalawa. Ako'y kasama mo sa loob ng dalawampung taon; ang iyong mga babaing tupa at ang iyong mga babaing kambing ay hindi nakunan, at hindi ako kumain ng mga tupang lalaki ng iyong kawan. Ang nilapa ng mababangis na hayop ay hindi ko dinala sa iyo; ako mismo ang nagpasan ng pagkawala. Sa aking kamay mo hiningi iyon, maging ninakaw sa araw o sa gabi. Naging ganoon ako; sa araw ay pinahihirapana ako ng init, at sa gabi ay ng lamig; at ako ay nalipasan na ng antok. Nitong dalawampung taon ay nakatira ako sa iyong bahay. Pinaglingkuran kita ng labing-apat na taon dahil sa iyong dalawang anak, at anim na taon dahil sa iyong kawan, at sampung ulit na binago mo ang aking sahod. Kung ang Diyos ng aking ama, ang Diyos ni Abraham, at ang Kinatatakutan ni Isaac ay wala sa aking panig, tiyak na palalayasin mo ako ngayon na walang dala. Nakita ng Diyos ang aking kapighatian, ang aking pagpapagod, at sinaway ka niya kagabi." Sumagot si Laban kay Jacob, "Ang mga anak na babae ay aking mga anak at ang mga anak ay mga anak ko, at ang mga kawan ay aking mga kawan at ang lahat ng iyong nakikita ay akin. Subalit anong magagawa ko ngayon sa mga anak kong babae, o sa kanilang mga anak na ipinanganak nila? Halika ngayon, gumawa tayo ng isang tipan, ako at ikaw; at hayaang iyon ay maging saksi sa akin at sa iyo." Kaya't kumuha si Jacob ng isang bato, at iyon ay itinayo bilang isang bantayog. At sinabi ni Jacob sa kanyang mga kamag-anak, "Magtipon kayo ng mga bato," at kumuha sila ng mga bato at kanilang ginawang isang bunton at sila'y nagkainan doon sa malapit sa bunton. Tinawag ito ni Laban na Jegar-sahadutha, subalit tinawag ito ni Jacob na Gilead. Sinabi ni Laban, "Ang buntong ito ay saksi sa akin at sa iyo ngayon." Kaya't tinawag niya ito sa pangalang Gilead; at ang bantayog ay Mizpa sapagkat sinabi niya, "Bantayan ng PANGINOON ako at ikaw, kapag tayo'y hindi magkasama sa isa't isa. Kapag pinahirapan mo ang aking mga anak, o kung mag-asawa ka sa iba bukod sa aking mga anak, kahit wala tayong kasama, alalahanin mo, ang Diyos ay saksi sa akin at sa iyo." At sinabi ni Laban kay Jacob, "Tingnan mo ang buntong ito at ang haligi na aking inilagay sa gitna natin. Ang buntong ito ay isang saksi, at ang haligi ay isang saksi na hindi ako lalampas sa buntong patungo sa inyo, at hindi ka lalampas sa buntong ito at sa haligi patungo sa akin upang saktan ako. Nawa'y ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Nahor, ang Diyos ng kanilang ama ang humatol sa atin." At si Jacob ay sumumpa ng ayon sa Kinatatakutan ng kanyang amang si Isaac. At naghandog si Jacob ng handog sa bundok, at tinawag ang kanyang mga kamag-anak upang kumain ng tinapay; at sila'y kumain ng tinapay, at nanatili sa bundok. Kinaumagahan, maagang bumangon si Laban, hinagkan ang kanyang mga anak na lalaki at babae, at binasbasan sila; at umalis siya at bumalik sa kanyang tahanan. Nagpatuloy si Jacob sa kanyang paglakad, at sinalubong siya ng mga anghel ng Diyos. Nang makita sila ni Jacob ay sinabi niya sa kanila, "Ito'y kampo ng Diyos!" Kaya't tinawag niya ang pangalan ng lugar na iyon na Mahanaim. Si Jacob ay nagpasugo kay Esau na kanyang kapatid sa lupain ng Seir, sa bayan ng Edom. Sila'y kanyang inutusan na sinasabi, "Ganito ang inyong sasabihin kay Esau na aking panginoon. Ganito ang sabi ng iyong lingkod na si Jacob, 'Ako'y tumigil ng ilang panahon kay Laban at namalagi roon hanggang ngayon. Mayroon akong mga baka, mga asno, mga kawan, at mga aliping lalaki at babae; at ako'y nagpasugo sa aking panginoon, upang ako'y makatagpo ng biyaya sa iyong paningin.'" Ang mga sugo ay bumalik kay Jacob, na nagsasabi, "Nakarating kami sa iyong kapatid na si Esau, at siya ay darating din upang sumalubong sa iyo, at kasama niya ang apatnaraang tao." Kaya't natakot nang husto at nabahala si Jacob; at kanyang hinati sa dalawa ang mga taong kasama niya, ang mga kawan, ang mga bakahan, at ang mga kamelyo. At kanyang sinabi, "Kung dumating si Esau sa isang pulutong at kanyang puksain ito, ang pulutong na natitira ay tatakas." Sinabi ni Jacob, "O Diyos ng aking amang si Abraham, at Diyos ng aking amang si Isaac, O PANGINOON, na nagsabi sa akin, 'Bumalik ka sa iyong lupain at sa iyong kamag-anak at gagawa ako ng mabuti sa iyo.' Hindi ako karapat-dapat sa lahat ng kaawaan, at lahat ng katotohanan na iyong ginawa sa iyong lingkod sapagkat dumaan ako sa Jordang ito na dala ang aking tungkod, at ngayo'y naging dalawang pulutong ako. Hinihiling ko sa iyo na iligtas mo ako sa kamay ng aking kapatid na si Esau. Ako'y natatakot sa kanya, baka siya'y dumating at kaming lahat ay pagpapatayin niya, ang mga ina pati ang mga anak. Hindi ba't ikaw ang nagsabi, 'Gagawa ako ng mabuti sa iyo at ang iyong binhi ay gagawin kong parang buhangin sa dagat na hindi mabibilang dahil sa karamihan.'" Siya'y namalagi roon nang gabing iyon, at kumuha siya ng panregalo mula sa kanya para sa kanyang kapatid na si Esau; dalawang daang kambing na babae, dalawampung lalaking kambing, dalawang daang tupang babae, at dalawampung tupang lalaki, tatlumpung kamelyong inahin, kasama ng kanilang mga anak, apatnapung baka, at sampung toro, dalawampung babaing asno at sampung lalaking asno. Ang mga ito ay ibinigay niya sa kanyang mga alipin, ang bawat kawan ay nakabukod at sinabi niya sa kanyang mga alipin, "Lumampas kayo sa aking unahan at lagyan ninyo ng pagitan ang bawat kawan." Iniutos niya sa una, "Kapag ikaw ay natagpuan ni Esau na aking kapatid, at tanungin ka, 'Kanino ka? Saan ka pupunta? At kanino itong nasa unahan mo?' Kung magkagayo'y sasabihin mo, 'Sa iyong lingkod na si Jacob. Ito ay isang regalo na padala para sa aking panginoong si Esau; at bukod dito, siya'y nasa hulihan namin.' " Gayundin, iniutos niya sa ikalawa, sa ikatlo, at sa lahat ng sumusunod sa mga kawan, na sinasabi, "Sasabihin ninyo ang gayunding bagay kay Esau, kapag nakasalubong ninyo siya, at sasabihin ninyo, 'Bukod dito, ang iyong lingkod na si Jacob ay nasa hulihan namin.'" Sapagkat kanyang iniisip, "Baka mapaglubag ko ang kanyang galit sa pamamagitan ng regalo na ipinauna ko, at pagkatapos ay makikita ko ang kanyang mukha, marahil ay tatanggapin niya ako." Kaya't ang regalo ay ipinadala na nauna sa kanya; at siya'y nanatili sa kampo nang gabing iyon. Nang gabing iyon, siya'y bumangon at isinama niya ang kanyang dalawang asawa, ang kanyang dalawang aliping babae, at ang kanyang labing-isang anak at tumawid sa tawiran ng Jaboc. Sila'y kanyang isinama at itinawid sa batis, at kanya ring itinawid ang lahat ng kanyang ari-arian. Naiwang nag-iisa si Jacob at nakipagbuno sa kanya ang isang lalaki hanggang sa magbukang-liwayway. Nang makita ng lalaki na hindi siya manalo laban kay Jacob, hinawakan niya ang kasu-kasuan ng hita ni Jacob, at ang kasu-kasuan ni Jacob ay nalinsad samantalang nakikipagbuno sa kanya. Sinabi niya, "Bitawan mo ako, sapagkat nagbubukang-liwayway na." At sinabi ni Jacob, "Hindi kita bibitawan malibang ako ay mabasbasan mo." Sinabi ng lalaki kay Jacob, "Ano ang pangalan mo?" At kanyang sinabi, "Jacob." Sinabi niya, "Ang iyong pangalan ay hindi na tatawaging Jacob, kundi Israel; sapagkat ikaw ay nakipaglaban sa Diyos at sa mga tao, at ikaw ay nagtagumpay." Siya'y tinanong ni Jacob, "Hinihiling ko sa iyo na sabihin mo sa akin ang iyong pangalan." At kanyang sinabi, "Bakit itinatanong mo ang aking pangalan?" At siya'y binasbasan doon. Tinawag ni Jacob ang pangalan ng lugar na iyon na Peniel na sinasabi, "Sapagkat nakita ko ang Diyos sa harapan, at naligtas ang aking buhay.". Sinikatan siya ng araw nang siya'y dumaraan sa Penuel; at siya'y papilay-pilay dahil sa kanyang hita. Dahil dito, hanggang ngayon ay hindi kumakain ang mga anak ni Israel ng litid ng balakang na nasa kasu-kasuan ng hita, sapagkat dito hinampas ng taong nakipagbuno ang kasu-kasuan ng hita ni Jacob, sa litid ng balakang. Tumanaw si Jacob at nakita niyang si Esau ay dumarating na may kasamang apatnaraang katao. Kaya't kanyang pinaghiwalay ang mga bata kina Lea at Raquel, at sa dalawang aliping babae. Inilagay niya ang mga alipin na kasama ng kanilang mga anak sa unahan, at si Lea na kasama ng kanyang mga anak bilang pangalawa, at sina Raquel at Jose na pinakahuli. At siya naman ay lumampas sa unahan nila, at pitong ulit na yumuko sa lupa hanggang sa siya ay mapalapit sa kanyang kapatid. At tumakbo si Esau upang salubungin siya, niyakap siya, niyapos siya sa leeg, hinagkan at sila ay nag-iyakan. Nang itaas ni Esau ang kanyang paningin, at nakita ang mga babae at ang mga bata, ay kanyang sinabi, "Sino itong mga kasama mo?" At kanyang sinabi, "Ang mga anak na ipinagkaloob ng Diyos sa iyong lingkod." Nang magkagayo'y lumapit ang mga aliping babae at ang kanilang mga anak, at nagsiyuko. Lumapit din si Lea at ang kanyang mga anak, at nagsiyuko, pagkatapos ay nagsilapit sina Jose at Raquel, at nagsiyuko. Sinabi ni Esau, "Ano ang kahulugan ng lahat na ito na nasalubong ko?" At sumagot si Jacob,'' "Upang makakita ng biyaya sa paningin ng aking panginoon." Subalit sinabi ni Esau, "Sapat na ang nasa akin, kapatid ko. Ang nasa iyo ay sa iyo na." Sinabi sa kanya ni Jacob, "Hindi, nakikiusap ako sa iyo, na kung ngayo'y nakatagpo ako ng biyaya sa iyong paningin, ay tanggapin mo nga ang aking kaloob mula sa aking kamay; sapagkat nakita ko ang iyong mukha, na gaya ng nakakita ng mukha ng Diyos, at ikaw ay nalugod sa akin. Nakikiusap ako sa iyo, tanggapin mo ang kaloob na dala ko sa iyo sapagkat lubos na ang ipinagkaloob sa akin ng Diyos, at mayroon ako ng lahat na kailangan ko." Kaya't hinimok ni Jacob si Esau at kanyang tinanggap. Sinabi niya, "Tayo'y humayo at maglakbay at ako'y sasama sa iyo." Subalit sinabi ni Jacob sa kanya, "Nalalaman ng aking panginoon na ang mga bata ay mahihina pa at mayroon sa mga kawan at mga baka na nagpapasuso; kapag sila'y pinagmadali nila sa isang araw lamang ay mamamatay ang lahat ng kawan. Magpauna na ang aking panginoon sa kanyang lingkod at ako'y magpapatuloy na dahan-dahan, ayon sa hakbang ng mga hayop na nasa aking unahan, at sa hakbang ng mga bata, hanggang sa makarating ako sa aking panginoon sa Seir." Kaya't sinabi ni Esau, "Pahintulutan mong iwan ko sa iyo ang ilan sa mga taong kasama ko." Kanyang sinabi, "Bakit kailangan pa? Sapat na ang makakita ako ng biyaya sa paningin ng aking panginoon." Kaya't nagbalik si Esau nang araw ding iyon sa kanyang lakad patungo sa Seir. Si Jacob ay naglakbay sa Sucot, at nagtayo ng isang bahay para sa kanya, at iginawa niya ng mga balag ang kanyang hayop. Kaya't tinawag ang pangalan ng lugar na iyon na Sucot. Payapang dumating si Jacob sa bayan ng Shekem, na nasa lupain ng Canaan, nang siya'y dumating mula sa Padan-aram; at siya'y tumigil sa tapat ng bayan. Binili niya sa halagang isandaang pirasong salapi ang bahaging iyon ng lupa na pinagtayuan ng kanyang tolda, sa kamay ng mga anak ni Hamor, na ama ni Shekem. At siya'y nagtayo roon ng isang dambana at tinawag niya itong El-Elohe-Israel. Si Dina na anak ni Lea, na ipinanganak nito kay Jacob, ay lumabas upang tingnan ang mga babae ng lupaing iyon. Nang makita siya ni Shekem, anak ni Hamor na Heveo na siyang pinuno sa lupain, kanyang kinuha siya at sapilitang sinipingan. Siya ay napalapit kay Dina, na anak ni Jacob at kanyang inibig ang dalaga, at nangusap sa kanya na may pagmamahal. Kaya't si Shekem ay nagsalita sa kanyang amang si Hamor, na sinasabi, "Kunin mo para sa akin ang dalagang ito upang maging asawa ko." Nabalitaan nga ni Jacob na pinagsamantalahan ni Shekem ang kanyang anak na si Dina; subalit ang kanyang mga anak na lalaki ay kasama ng mga hayop niya sa parang kaya't nanatiling tahimik si Jacob hanggang sa sila'y nakarating. Lumabas si Hamor na ama ni Shekem upang makipag-usap kay Jacob, nang ang mga anak na lalaki ni Jacob ay magsiuwi mula sa parang. Nang ito'y kanilang mabalitaan, galit na galit ang mga lalaki, sapagkat gumawa si Shekem ng kalapastanganan sa Israel sa pamamagitan ng pagsiping sa anak ni Jacob, sapagkat ang gayong bagay ay di-nararapat gawin. Subalit nagsalita si Hamor sa kanila, na sinasabi, "Ang puso ng aking anak na si Shekem ay nasasabik sa iyong anak. Hinihiling ko sa inyo na ipagkaloob ninyo siya sa kanya upang maging asawa niya. Magsipag-asawa kayo sa amin; ibigay ninyo sa amin ang inyong mga anak na babae, at ibibigay namin sa inyo ang aming mga anak na babae. Kayo'y maninirahang kasama namin, at ang lupain ay magiging bukas sa inyo. Mangalakal kayo at magkaroon kayo ng mga pag-aari dito." Sinabi rin ni Shekem sa ama ni Dina at sa kanyang mga kapatid, "Makatagpo sana ako ng biyaya sa inyong paningin at ang hingin ninyo sa akin ay aking ibibigay. Humingi kayo sa akin ng kahit anong bigay-kaya at regalo na nais ninyo at aking ibibigay ayon sa sinabi ninyo sa akin; subalit ibigay ninyo sa akin ang dalaga upang maging asawa ko." At nagsisagot na may pandaraya ang mga anak na lalaki ni Jacob kina Shekem at Hamor na kanyang ama, sapagkat kanyang pinagsamantalahan si Dina na kanilang kapatid. Sinabi nila sa kanila, "Hindi namin magagawang ibigay ang aming kapatid sa isang hindi tuli; sapagkat ito'y kahihiyan namin. Sa ganitong paraan lamang kami papayag: kung kayo'y magiging gaya namin, na ang lahat ng lalaki sa inyo ay tuliin. Pagkatapos ay ibibigay namin sa inyo ang aming mga anak na babae, at makikisama kami sa inyong mga anak na babae, at maninirahan kami sa inyo, at magiging isang bayan. Subalit kung ayaw ninyo kaming pakinggan na kayo'y matuli, ay kukunin namin ang aming anak na babae at kami ay aalis." Nasiyahan sa kanilang mga salita si Hamor at ang kanyang anak na si Shekem. Hindi nag-atubili ang binata na gawin iyon, sapagkat nalugod siya sa anak na babae ni Jacob. Si Shekem ay ang pinakamarangal sa buong sambahayan ng kanyang ama. Kaya't si Hamor at ang anak niyang si Shekem ay pumunta sa pintuang-bayan ng kanilang lunsod, at sila'y nagsalita sa mga tao sa kanilang lunsod, na sinasabi, "Ang mga taong ito ay mabuting makitungo sa atin; kaya't hayaan natin silang manirahan sa lupain at magsipangalakal sila riyan, sapagkat ang lupain ay sapat ang laki para sa kanila. Ipakasal natin ang ating mga anak sa kanilang mga anak na babae, at ating ibigay sa kanila ang ating mga anak na babae. Sa ganito lamang paraan sila papayag na tumirang kasama natin, upang maging isang bayan: na patuli ang lahat ng lalaki sa atin, na gaya naman nila na mga tuli. Di ba magiging atin ang kanilang mga baka at ang kanilang mga pag-aari at ang lahat nilang hayop? Sumang-ayon lamang tayo sa kanila at sila ay mabubuhay na kasama natin." At pinakinggan si Hamor at si Shekem na kanyang anak ng lahat na lumabas sa pintuan ng kanyang lunsod. Kaya't ang lahat ng lalaki na lumabas sa pintuan ng kanyang lunsod ay tinuli. Sa ikatlong araw, nang mahapdi pa ang mga sugat ng mga tinuli, ang dalawa sa mga anak ni Jacob, sina Simeon at Levi, na mga kapatid ni Dina, ay kumuha ng kanilang tabak, palihim na pumasok sa bayan, at kanilang pinatay ang lahat ng mga lalaki. Kanilang pinatay si Hamor at si Shekem na kanyang anak sa pamamagitan ng tabak, at kanilang kinuha si Dina sa bahay ni Shekem, at nagsialis. Nagtungo ang mga anak na lalaki ni Jacob sa mga pinatay, at kanilang sinamsaman ang bayan, sapagkat pinagsamantalahan ang kanilang kapatid. Kinuha nila ang kanilang mga kawan, mga bakahan, mga asno, at anumang nasa bayan, at nasa parang. Sinamsam nila ang kanilang buong kayamanan, ang lahat ng kanilang mga anak at mga asawa at lahat na nasa bahay. Sinabi ni Jacob kina Simeon at Levi, "Ako'y inyong binagabag, na gawin akong kasuklamsuklam sa mga nakatira sa lupain, sa mga Cananeo at mga Perezeo. Iilan lamang ang aking tauhan at sila ay magtitipon laban sa akin, at ako'y kanilang sasalakayin, at ang aking sambahayan ay pupuksain." Subalit sinabi nila, "Ang amin bang kapatid ay ituturing na parang isang masamang babae?" Sinabi ng Diyos kay Jacob, "Tumayo ka, umahon ka sa Bethel, at doon ka manirahan. Gumawa ka roon ng isang dambana para sa Diyos na nagpakita sa iyo nang ikaw ay tumatakas mula sa iyong kapatid na si Esau." Kaya't sinabi ni Jacob sa kanyang sambahayan, at sa lahat niyang kasama, "Alisin ninyo ang mga banyagang diyos na nasa inyo, at maglinis kayo ng inyong sarili, at palitan ninyo ang inyong mga suot. Tayo'y umahon sa Bethel; at gagawa ako roon ng dambana para sa Diyos na sumagot sa akin sa araw ng aking kabalisahan at naging kasama ko saanman ako nagtungo." Kaya ibinigay nila kay Jacob ang lahat ng mga banyagang diyos na nasa kanilang kamay at ang mga hikaw na nasa kanilang mga tainga; at itinago iyon ni Jacob sa ilalim ng punong ensina na malapit sa Shekem. Habang sila'y naglalakbay, ang matinding takot sa Diyos ay dumating sa mga bayang nasa palibot nila, at hindi nila hinabol ang mga anak ni Jacob. Dumating si Jacob sa Luz (na siyang Bethel), na nasa lupain ng Canaan, siya at ang lahat ng mga taong kasama niya. Nagtayo siya roon ng isang dambana at tinawag niya ang lugar na iyon na El-bethel; sapagkat ang Diyos ay nagpakita sa kanya roon, nang siya'y tumakas mula sa kanyang kapatid. Namatay si Debora na yaya ni Rebecca, at inilibing sa paanan ng Bethel, sa ilalim ng ensina, at ang pangalan nito ay tinawag niyang Allon-bacuth. Muling nagpakita ang Diyos kay Jacob nang siya'y manggaling sa Padan-aram, at siya'y pinagpala. Sinabi ng Diyos sa kanya, "Ang pangalan mo'y Jacob; hindi ka na tatawagin pang Jacob kundi Israel ang magiging pangalan mo." Kaya siya ay tinawag na Israel. At sinabi ng Diyos sa kanya, 'Ako ang Diyos na Makapangyarihan" sa lahat. Ikaw ay lumago at magpakarami; isang bansa at maraming mga bansa ang magmumula sa iyo, at mga hari ay magmumula sa iyo. Ang lupaing ibinigay ko kina Abraham at Isaac ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong lahi pagkamatay mo." At ang Diyos ay pumailanglang mula sa tabi niya kung saan siya ay nakipag-usap sa kanya. Nagtayo si Jacob ng isang haliging batong bantayog kung saan ay nakipag-usap ang Diyos sa kanya. Binuhusan niya ito ng inuming handog at ng langis. Kaya't tinawag ni Jacob na Bethel ang lugar kung saan nakipag-usap sa kanya ang Diyos. Sila'y naglakbay mula sa Bethel. Nang sila ay may kalayuan pa mula sa Efrata, ay manganganak na si Raquel at siya'y naghihirap sa panganganak. Nang siya'y naghihirap sa panganganak, sinabi sa kanya ng hilot, "Huwag kang matakot, sapagkat magkakaroon ka ng isa pang anak na lalaki." Habang siya'y naghihingalo (sapagkat namatay siya), kanyang pinangalanan siyang Benoni; subalit tinawag siyang Benjamin ng kanyang ama. Kaya't namatay si Raquel at inilibing sa daang patungo sa Efrata, na siyang Bethlehem. Nagtayo si Jacob ng isang haligi sa ibabaw ng kanyang libingan na siyang haligi ng libingan ni Raquel hanggang ngayon. Naglakbay pa si Israel at itinayo ang kanyang tolda sa dako pa roon ng tore ng Eder. Samantalang naninirahan si Israel sa lupaing iyon, si Ruben ay humayo at sumiping kay Bilha na asawang-lingkod ng kanyang ama at ito'y nabalitaan ni Israel. Labindalawa nga ang anak na lalaki ni Jacob. Ang mga anak ni Lea: si Ruben na panganay ni Jacob, at sina Simeon, Levi, Juda, Isacar, at si Zebulon. Ang mga anak ni Raquel: sina Jose at si Benjamin; at ang mga anak ni Bilha, na alila ni Raquel: sina Dan at Neftali; at ang mga anak ni Zilpa na alilang babae ni Lea: sina Gad at Aser. Ito ang mga anak ni Jacob na ipinanganak sa kanya sa Padan-aram. At pumunta si Jacob kay Isaac na kanyang ama sa Mamre, sa Kiryat-arba (na siyang Hebron), kung saan tumira sina Abraham at Isaac. Ang mga naging araw ni Isaac ay isandaan at walumpung taon. Nalagot ang hininga ni Isaac at namatay; at siya'y naging kasama ng kanyang bayan, matanda na at puspos ng mga araw. Inilibing siya ng kanyang mga anak na sina Esau at Jacob. Ito ang mga lahi ni Esau, na siya ring Edom. Si Esau ay nag-asawa mula sa mga anak ng Canaan; kay Ada na anak ni Elon na Heteo, kay Aholibama, anak ni Ana na anak ni Zibeon na Heveo; kay Basemat na anak ni Ismael, na kapatid ni Nebayot. Ipinanganak ni Ada si Elifaz kay Esau; at ipinanganak ni Basemat si Reuel; at ipinanganak ni Aholibama sina Jeus, Jalam, at Kora. Ito ang mga anak ni Esau, na ipinanganak sa kanya sa lupain ng Canaan. Dinala ni Esau ang kanyang mga asawa, ang kanyang mga anak na lalaki at babae, ang lahat ng tao sa kanyang bahay, ang kanyang hayop, lahat ng kanyang kawan, at ang lahat na kanyang tinipon sa lupain ng Canaan, at pumunta sa isang lupaing malayo sa kanyang kapatid na si Jacob. Sapagkat ang kanilang ari-arian ay totoong napakalaki para sa kanila na manirahang magkasama. Ang lupain na kanilang pinaglakbayan ay hindi sila makayang tustusan dahilan sa kanilang mga hayop. Kaya't nanirahan si Esau sa bundok ng Seir. Si Esau ay si Edom. Ito ang mga lahi ni Esau, na ama ng mga Edomita sa bundok ng Seir. Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Esau: si Elifaz, na anak ni Ada na asawa ni Esau, si Reuel na anak ni Baseinat, na asawa ni Esau. Ang mga anak ni Elifaz ay sina Teman, Omar, Zefo, Gatam at Kenaz. Si Timna ay asawang-lingkod ni Elifaz na anak ni Esau; at ipinanganak niya kay Elifaz si Amalek. Ito ang mga anak ni Ada na asawa ni Esau. Ito ang mga anak ni Reuel: sina Nahat, Zera, Shammah, at Mizza. Ito ang mga anak ni Basemat na asawa ni Esau. Ito ang mga anak ni Esau kay Aholibama, na anak ni Ana, na anak ni Zibeon. Ipinanganak niya kay Esau sina Jeus, Jalam at Kora. Ito ang mga pinuno sa mga anak ni Esau: ang mga anak ni Elifaz, na panganay ni Esau; ang mga pinunong sina Teman, Omar, Zefo, Kenaz, Kora, Gatam, at Amalek. Ito ang mga pinunong nagmula kay Elifaz sa lupain ng Edom; ito ang mga anak ni Ada. Ito ang mga anak ni Reuel na anak ni Esau: ang mga pinunong sina Nahat, Zera, Shammah, at Mizza. Ito ang mga pinunong nagmula kay Reuel sa lupain ng Edom; ito ang mga anak ni Basemat na asawa ni Esau. Ito ang mga anak ni Aholibama na asawa ni Esau: ang mga pinunong sina Jeus, Jalam, at Kora. Ito ang mga pinunong nagmula kay Aholibama na anak ni Ana, na asawa ni Esau. Ito ang mga anak ni Esau, (na siyang Edom) at ito ang kanilang mga pinuno. Ito ang mga anak ni Seir na Horeo, na naninirahan sa lupain: sina Lotan, Sobal, Zibeon, at si Ana, sina Dishon, Eser, at Disan. Ito ang mga pinunong nagmula sa mga Horeo, na mga angkan ni Seir sa lupain ng Edom. Ang mga anak ni Lotan ay sina Hori at Heman; at ang kapatid na babae ni Lotan ay si Timna. Ito ang mga anak ni Sobal: sina Alvan, Manahat, Ebal, Zefo, at si Onam. Ito ang mga anak ni Zibeon: sina Aya at Ana. Ito rin si Ana na nakatagpo ng maiinit na bukal sa ilang, habang kanyang inaalagaan ang mga asno ni Zibeon na kanyang ama. Ito ang mga anak ni Ana: sina Dishon at Aholibama, na anak na babae ni Ana. Ito ang mga anak ni Dishon: sina Hemdan, Esban, Itran, at Cheran. Ito ang mga anak ni Eser: sina Bilhan, Zaavan at Acan. Ito ang mga anak ni Disan: sina Uz at Aran. Ito ang mga pinunong nagmula sa mga Horeo: ang mga pinunong sina Lotan, Sobal, Zibeon, at Ana, Dishon, Eser, at Disan. Ito ang mga pinunong nagmula sa mga Horeo ayon sa kanilang mga angkan, sa lupain ng Seir. Ito ang mga hari na nagsipaghari sa lupain ng Edom bago maghari ang sinumang hari sa angkan ni Israel. Si Bela na anak ni Beor ay naghari sa Edom; at ang pangalan ng kanyang bayan ay Dinhaba. Namatay si Bela, at naghari na kapalit niya si Jobab na anak ni Zera, na taga-Bosra. Namatay si Jobab at naghari na kapalit niya si Husam, na taga-lupain ng mga Temanita. Namatay si Husam at naghari na kapalit niya si Adad, na anak ni Badad, na siyang gumapi kay Midian sa parang ni Moab at ang pangalan ng kanyang bayan ay Avith. Namatay si Adad at naghari na kapalit niya si Samla na taga-Masreca. Namatay si Samla at naghari na kapalit niya si Shaul na taga-Rehobot na tabi ng Eufrates. Namatay si Shaul at naghari na kapalit niya si Baal-hanan na anak ni Acbor. Namatay si Baal-hanan na anak ni Acbor at naghari na kapalit niya si Adar; at ang pangalan ng kanyang bayan ay Pau; at ang pangalan ng kanyang asawa ay Mehetabel na anak ni Matted, na anak na babae ni Mezaab. Ito ang mga pangalan ng mga pinunong nagmula kay Esau, ayon sa kanya-kanyang angkan, ayon sa kanya-kanyang lugar, alinsunod sa kanya-kanyang pangalan: ang mga pinunong sina Timna, Alva, Jetet; Aholibama, Ela, Pinon. Kenaz, Teman, Mibzar. Magdiel, at Hiram. Ito ang mga pinuno ni Edom, ayon sa kanya-kanyang tinitirhan sa lupain na kanilang pag-aari. Siya ay si Esau na ama ng mga Edomita. Nanirahan si Jacob sa lupain kung saan tumira ang kanyang ama, sa lupain ng Canaan. Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Jacob: Si Jose, na may labimpitong taong gulang, ay nagpapastol ng kawan kasama ng kanyang mga kapatid. Siya ay kasama ng mga anak nina Bilha at Zilpa, na mga asawa ng kanyang ama; at ibinalita ni Jose sa kanilang ama ang kasamaan nila. Minahal ni Israel si Jose nang higit kaysa lahat niyang anak, sapagkat siya ang anak ng kanyang katandaan at siya'y gumawa ng isang mahabang damit na kanyang suot. Nakita ng kanyang mga kapatid na siya'y minahal ng kanilang ama nang higit kaysa lahat niyang mga kapatid; at siya'y kinapootan nila at hindi sila nakipag-usap nang payapa sa kanya. Minsan ay nanaginip si Jose at nang isalaysay niya ito sa kanyang mga kapatid, lalo pa silang napoot sa kanya. Sinabi niya sa kanila, "Pakinggan ninyo ngayon itong aking napanaginip. Tayo'y nagtatali ng mga bigkis ng trigo sa bukid, nang tumayo ang aking bigkis at tumindig nang matuwid. At ang inyong mga bigkis ay pumalibot at yumuko sa aking bigkis." Sinabi sa kanya ng kanyang mga kapatid, "Maghahari ka ba sa amin o mamamahala sa amin?" At lalo pa silang napoot sa kanya dahil sa kanyang mga panaginip at mga salita. Nagkaroon pa siyang ibang panaginip at isinalaysay sa kanyang mga kapatid, at sinabi, "Ako'y nagkaroon ng isa pang panaginip: ang araw, ang buwan, at ang labing-isang bituin ay yumuko sa akin." Subalit nang kanyang isalaysay ito sa kanyang ama at mga kapatid, siya ay pinagalitan ng kanyang ama, at sinabi sa kanya, "Ano itong iyong napanaginip? Tunay bang ako, ang iyong ina, at ang iyong mga kapatid ay yuyukod sa lupa sa harap mo?" At ang kanyang mga kapatid ay nainggit sa kanya, subalit pinag-isipan ng kanyang ama ang bagay na iyon. Umalis ang kanyang mga kapatid upang pastulin ang kawan ng kanilang ama sa Shekem. Sinabi ni Israel kay Jose, "Hindi ba nagpapastol ng kawan sa Shekem ang iyong mga kapatid? Halika, at isusugo kita sa kanila." Sinabi niya sa kanya, "Narito ako." Sinabi niya sa kanya, "Humayo ka, tingnan mo kung mabuti ang kalagayan ng iyong mga kapatid at ng kawan, at balitaan mo ako." Siya'y kanyang isinugo mula sa libis ng Hebron, at dumating siya sa Shekem. Nakita siya ng isang tao na gumagala sa parang at siya'y tinanong ng taong iyon, 'Anong hinahanap mo?" At sinabi niya, "Hinahanap ko ang aking mga kapatid; hinihiling ko sa iyo na sabihin mo sa akin kung saan sila nagpapastol." Sinabi ng tao, "Umalis na sila dito, sapagkat narinig kong sinabi nila, Tayo na sa Dotan.'" Sinundan ni Jose ang kanyang mga kapatid, at natagpuan niya sila sa Dotan. Kanilang natanawan siya sa malayo, at bago siya nakalapit sa kanila ay nagsabwatan sila laban sa kanya na siya'y patayin. At sinabi nila sa isa't isa, "Tingnan ninyo, dumarating ang mahilig managinip. Halikayo, patayin natin siya at itapon natin sa isa sa mga balon, at ating sasabihin, 'Nilapa siya ng isang masamang hayop;' at tingnan natin kung anong mangyayari sa kanyang mga panaginip." Subalit nang ito ay narinig ni Ruben, kanyang iniligtas siya sa kanilang mga kamay, at sinabi, "Huwag nating patayin." Sinabi ni Ruben sa kanila, "Huwag kayong magpadanak ng dugo. Ihulog ninyo siya sa balong ito na nasa ilang, subalit huwag ninyong pagbuhatan ng kamay;" upang siya'y kanyang mailigtas sa kanilang kamay at maibalik sa kanyang ama. Nang dumating si Jose sa kanyang mga kapatid, siya'y kanilang hinubaran ng kanyang mahabang damit na kanyang suot. Kanilang sinunggaban siya at inihulog sa balon. Ang balon ay tuyo at walang lamang tubig. Pagkatapos ay umupo sila upang kumain ng tinapay; at sa pagtingin nila ay nakita nila ang isang pulutong na mga Ismaelita na nanggaling sa Gilead kasama ang kanilang mga kamelyo at may dalang mga pabango, mga mabangong langis, at mga mira na kanilang dadalhin sa Ehipto. At sinabi ni Juda sa kanyang mga kapatid. "Anong ating mapapakinabang kung patayin natin ang ating kapatid, at ilihim ang kanyang dugo? Halikayo, atin siyang ipagbili sa mga Ismaelita, at huwag natin siyang pagbuhatan ng kamay, sapagkat siya'y ating kapatid, at ating laman." At pinakinggan siya ng kanyang mga kapatid. Dumaan ang mga mangangalakal na mga Midianita; at kanilang iniahon si Jose sa balon, at siya'y ipinagbili sa mga Ismaelita sa halagang dalawampung pirasong pilak. At dinala nila si Jose sa Ehipto. Nang bumalik si Ruben sa balon at makitang si Jose ay wala na sa balon, kanyang pinunit ang kanyang mga suot. Siya'y nagbalik sa kanyang mga kapatid, at kanyang sinabi, "Wala ang bata; at ako, saan ako pupunta?" Kaya't kanilang kinuha ang mahabang damit ni Jose, at sila'y pumatay ng isang lalaking kambing, at kanilang inilubog ang mahabang damit sa dugo. Kanilang ipinadala ang mahabang damit na kanyang suot sa kanilang ama, at kanilang sinabi, "Ito'y aming natagpuan, kilalanin mo kung ito'y mahabang damit ng iyong anak o hindi." Nakilala niya ito kaya't kanyang sinabi, "Ito nga ang mahabang damit ng aking anak! Sinakmal siya ng isang mabangis na hayop; tiyak na siya'y nilapa." Pinunit ni Jacob ang kanyang mga suot, at nilagyan niya ng damit-sako ang kanyang mga balakang, at ipinagluksa ng maraming araw ang kanyang anak. Lahat ng kanyang mga anak na lalaki at babae ay nagtangkang siya'y aliwin; subalit tumanggi siyang maaliw, at kanyang sinabi, "Lulusong akong tumatangis para sa aking anak hanggang sa Sheol." At tinangisan siya ng kanyang ama. Samantala, ipinagbili siya ng mga Midianita sa Ehipto kay Potifar, isang pinuno ni Faraon na kapitan ng bantay. Nang panahong iyon, lumusong si Juda papalayo sa kanyang mga kapatid, at tumira malapit sa isang Adullamita na ang pangalan ay Hira. Doon ay nakita ni Juda ang anak na babae ng isang Cananeo na tinatawag na Shua. Siya ay naging asawa niya at kanyang sinipingan. Siya ay naglihi at nanganak ng lalaki; at tinawag niya ang kanyang pangalan na Er. At naglihi uli, at nanganak ng lalaki; at tinawag niya ang kanyang pangalan na Onan. Muling naglihi at nanganak ng lalaki; at tinawag niya ang kanyang pangalan na Shela; at si Juda ay nasa Chezib nang siya'y manganak. Pinapag-asawa ni Juda si Er na kanyang panganay, at ang pangalan niyon ay Tamar. Subalit si Er na panganay ni Juda ay naging masama sa paningin ng PANGINOON; at siya'y pinatay ng PANGINOON. Kaya't sinabi ni Juda kay Onan, "Pumunta ka sa asawa ng iyong kapatid, at pakasalan mo siya, at ipagbangon mo ng lahi ang iyong kapatid." Subalit yamang nalalaman ni Onan na hindi magiging kanya ang anak, tuwing sisiping siya sa asawa ng kanyang kapatid, itinatapon niya sa lupa ang kanyang binhi upang huwag niyang mabigyan ng anak ang kanyang kapatid. Ang bagay na ginawa niya ay masama sa paningin ng PANGINOON, kaya't siya rin ay pinatay niya. Nang magkagayo'y sinabi ni Juda kay Tamar na kanyang manugang na babae, "Mabuhay kang isang balo sa bahay ng iyong ama, hanggang sa lumaki si Shela na aking anak," sapagkat natakot siya na baka ito rin ay mamatay gaya ng kanyang mga kapatid. At humayo si Tamar at nanirahan sa bahay ng kanyang ama. Sa pagdaan ng maraming araw, namatay ang anak na babae ni Shua na asawa ni Juda. Nang tapos na ang pagluluksa ni Juda, siya at ang kanyang kaibigang si Hira na Adullamita ay umahon sa Timna sa mga manggugupit ng kanyang mga tupa. Nang ibalita kay Tamar na "Ang iyong biyenang lalaki ay umaahon sa Timna upang pagupitan ang kanyang mga tupa," siya'y nagpalit ng kasuotan ng balo, tinakpan ang sarili ng isang belo, nagbalatkayo at naupo sa pasukan ng Enaim na nasa daan ng Timna. Kanyang nakikita na si Shela ay malaki na ngunit hindi ibinibigay sa kanya bilang asawa. Nang makita siya ni Juda ay inakalang siya'y upahang babae, sapagkat nagtakip ng kanyang mukha. Lumapit siya sa kanya sa tabing daan, at sinabi, "Halika, sisiping ako sa iyo;" sapagkat siya'y hindi niya nakilalang kanyang manugang. Sinabi niya, "Anong ibibigay mo sa akin upang ikaw ay makasiping sa akin?" Kanyang sinabi, "Padadalhan kita ng isang anak ng kambing na mula sa kawan." At kanyang sinabi, "Bibigyan mo ba ako ng sangla hanggang sa maipadala mo ito?" Sinabi niya, "Anong sangla ang ibibigay ko sa iyo?" Sumagot siya, "Ang iyong singsing, ang iyong pamigkis, at ang tungkod na nasa iyong kamay." Kaya't ang mga iyon ay ibinigay sa kanya, at siya'y sumiping sa kanya, at siya'y naglihi sa pamamagitan niya. Pagkatapos siya'y bumangon, umalis at pagkahubad ng kanyang belo, ay isinuot ang mga kasuotan ng kanyang pagiging balo. Nang ipadala ni Juda ang anak ng kambing sa pamamagitan ng kanyang kaibigang Adullamita, upang tanggapin ang sangla mula sa kamay ng babae, siya ay hindi niya natagpuan. Kaya't tinanong niya ang mga tao sa lugar na iyon, "Saan naroon ang upahang babae na nasa tabi ng daan sa Enaim?" At kanilang sinabi, "Walang upahang babae rito." Kaya't nagbalik siya kay Juda, at sinabi, "Hindi ko siya natagpuan; at sinabi rin ng mga tao sa lugar na iyon, 'Walang upahang babae rito.'" Sinabi ni Juda, "Pabayaan mong ariin niya ang mga iyon, baka tayo'y pagtawanan. Tingnan mo, ipinadala ko itong anak ng kambing at hindi mo siya natagpuan." Pagkaraan ng halos tatlong buwan, ibinalita kay Juda na sinasabi, "Ang iyong manugang na si Tamar ay nagpaupa, at siya'y buntis sa pagpapaupa." Sinabi ni Juda, "Ilabas siya upang sunugin." Nang siya'y inilabas, nagpasabi siya sa kanyang biyenan, "Nagdalang-tao ako sa lalaking nagmamay-ari ng mga ito." At sinabi pa niya, "Nakikiusap ako sa inyo, inyong kilalanin kung kanino ang mga ito, ang singsing, ang pamigkis, at ang tungkod." Ang mga iyon ay kinilala ni Juda, at sinabi, "Siya'y higit na matuwid kaysa akin; yamang hindi ko ibinigay sa kanya si Shela na aking anak." Hindi na siya muling sumiping sa kanya. Nang dumating ang panahon ng kanyang panganganak, kambal ang nasa kanyang tiyan. Sa kanyang panganganak, inilabas ng isa ang kanyang kamay at hinawakan ito ng hilot at tinalian sa kamay ng isang pulang sinulid, na sinasabi, "Ito ang unang lumabas." Ngunit nang iurong niya ang kanyang kamay, ang kanyang kapatid ang lumabas. At kanyang sinabi, "Paano ka nakagawa ng butas para sa iyong sarili?" Kaya't tinawag ang pangalan niyang Perez. Pagkatapos ay lumabas ang kanyang kapatid na may pulang sinulid sa kamay; at tinawag na Zera ang kanyang pangalan. Noon ay dinala si Jose sa Ehipto, at binili siya ni Potifar sa mga Ismaelita na nagdala sa kanya roon. Si Potifar ay pinuno ni Faraon, na kapitan ng bantay at isang taga-Ehipto. Ang PANGINOON ay naging kasama ni Jose, at siya'y naging lalaking maunlad. Siya'y nasa bahay ng kanyang among taga-Ehipto. Nakita ng kanyang amo na ang PANGINOON ay kasama niya, at ang lahat ng ginagawa ni Jose ay umuunlad sa kanyang kamay. Kaya't nakatagpo si Jose ng biyaya sa paningin niya at ginawa niyang kanyang katulong. Ipinamahala niya kay Jose ang bahay niya at ang lahat niyang pag-aari ay inilagay sa kanyang pangangasiwa. Mula nang panahon na si Jose ay pamahalain sa kanyang bahay at sa lahat ng kanyang pag-aari, pinagpala ng PANGINOON ang bahay ng taga-Ehipto. Ang pagpapala ng PANGINOON ay dumating sa lahat ng kanyang pag-aari, sa bahay at sa parang. Kaya't ipinamahala niya ang lahat niyang pag-aari sa kamay ni Jose, at hindi siya nakikialam sa anumang bagay maliban sa tinapay na kanyang kinakain. Si Jose ay matipuno at makisig na lalaki. Pagkatapos ng mga bagay na ito, tinitigan si Jose ng asawa ng kanyang panginoon at sinabi, "Sipingan mo ako." Subalit siya'y tumanggi at sinabi niya sa asawa ng kanyang panginoon, 'Tingnan mo, ang aking panginoon ay hindi nakikialam sa akin tungkol sa anumang bagay na nasa bahay, at lahat ng kanyang pag-aari ay ipinamahala sa aking kamay. Walang sinumang dakila kaysa akin sa bahay na ito; walang anumang bagay ang ipinagkait sa akin, maliban sa iyo, sapagkat ikaw ay kanyang asawa. Paano ngang magagawa ko itong malaking kasamaan at kasalanan laban sa Diyos?" Kahit nakikiusap siya kay Jose araw-araw, ay hindi siya pumayag na siya'y sumiping o makisama sa kanya. Subalit isang araw, nang siya'y pumasok sa bahay upang gawin ang kanyang gawain at walang sinumang tao sa bahay, siya'y pinigilan niya sa pamamagitan ng kanyang suot, na sinasabi, "Sipingan mo ako!" Subalit naiwan ni Jose ang kanyang suot sa kamay niya, at siya'y tumakas papalabas ng bahay. Nang makita niyang naiwan ang kanyang suot sa kamay niya at tumakas sa labas ng bahay, siya'y tumawag ng mga tao sa kanyang bahay, at sinabi sa kanila, "Tingnan ninyo, ang aking asawa ay nagdala sa atin ng isang Hebreo upang tayo'y tuyain. Pinasok niya ako upang ako'y sipingan, at ako'y nagsisigaw nang malakas. Nang marinig niyang ako'y nagtaas ng tinig at nagsisigaw, naiwan niya ang kanyang suot sa aking tabi at tumakas, at lumabas ng bahay." Pagkatapos ay iningatan niya ang kasuotan ni Jose hanggang sa pagdating ng kanyang amo sa kanyang bahay. Sinabi niya sa kanya ang mga salita ring ito, na sinasabi, "Pinasok ako ng aliping Hebreo na iyong dinala sa atin, upang tuyain ako. Nang nagtaas ako ng aking tinig at ako'y nagsisigaw, kanyang naiwan ang suot niya sa aking tabi at tumakas na papalabas." Nang marinig ng kanyang amo ang mga sinabi ng kanyang asawa, na sinasabi, "Ganito ang ginawa sa akin ng iyong alipin;" ay nag-alab ang kanyang galit. Kinuha si Jose ng kanyang panginoon at inilagay sa bilangguan, sa lugar na pinagkukulungan ng mga bilanggo ng hari. Subalit kasama ni Jose ang PANGINOON at nagpakita sa kanya ng tapat na pag-ibig, at pinagkalooban siya ng biyaya sa paningin ng bantay sa bilangguan. Ipinamahala ng bantay sa bilangguan sa pangangalaga ni Jose ang lahat na mga bilanggo na nasa bilangguan; at anumang ginagawa nila roon ay siya ang gumagawa. Hindi pinakialaman ng bantay sa bilangguan ang anumang bagay na nasa pamamahala ni Jose sapagkat ang PANGINOON ay kasama niya. Anumang kanyang ginagawa ay pinagpapala ng PANGINOON. Pagkatapos ng mga bagay na ito, ang katiwala ng kopa ng hari at ang kanyang panadero ay nagkasala laban sa kanilang panginoon na hari ng Ehipto. Nagalit ang Faraon laban sa kanyang dalawang tagapamahala, sa puno ng mga katiwala ng kopa at sa puno ng mga panadero. Sila'y ibinilanggo sa bahay ng kapitan ng bantay, sa bilangguang kinapipiitan ni Jose. Si Jose ay inatasan ng kapitan ng bantay na mamahala sa kanila at sila'y kanyang pinaglingkuran. Sila'y nasa bilangguan nang maraming mga araw. Isang gabi, ang katiwala ng kopa at ang panadero ng hari sa Ehipto na nasa bilangguan ay kapwa nanaginip, at ang bawat panaginip ay may kanya-kanyang kahulugan. Kinaumagahan, dumating si Jose sa kanila. Siya'y tumingin sa kanila at nakita niyang sila'y balisa. Kaya't tinanong niya ang mga tagapamahala ng Faraon na mga kasama niya sa bilangguan sa bahay ng kanyang panginoon, "Bakit balisa kayo ngayon?" Kanilang sinabi sa kanya, "Kami ay nanaginip at walang sinumang makapagpaliwanag." Sinabi sa kanila ni Jose, "Hindi ba mula sa Diyos ang mga paliwanag? Sabihin ninyo sa akin." Kaya't isinalaysay ng puno ng mga katiwala ng kopa ang kanyang panaginip kay Jose at sinabi sa kanya, "Sa aking panaginip ay may isang puno ng ubas sa aking harapan. Sa puno ng ubas ay may tatlong sanga. Sa pagsipot ng dahon nito, ito ay namulaklak at ang mga buwig niyon ay naging mga ubas na hinog. Ang kopa ng Faraon ay nasa aking kamay; at kinuha ko ang mga ubas at aking piniga ang mga ito sa kopa ng Faraon, at ibinigay ko ang kopa sa kamay ng Faraon." At sinabi ni Jose sa kanya, "Ito ang kahulugan niyon: ang tatlong sanga ay tatlong araw. Sa loob ng tatlong araw ay itataas ng Faraon ang iyong ulo, at ibabalik ka sa iyong katungkulan, at ibibigay mo ang kopa ni Faraon sa kanyang kamay, gaya ng karaniwang dati mong ginagawa nang ikaw ay kanyang katiwala. Subalit alalahanin mo ako kapag ikaw ay napabuti na, at hinihiling ko sa iyo na gumawa ka ng mabuti sa akin, at banggitin mo ako sa Faraon, at ako'y ilabas mo sa bahay na ito. Ako'y tunay na ninakaw sa lupain ng mga Hebreo, at dito naman ay wala akong ginagawang anuman upang ako'y ilagay nila sa bilangguan." Nang makita ng puno ng mga panadero na ang kahulugan ay mabuti ay sinabi niya kay Jose, "Ako'y nanaginip din, at may tatlong kaing ng maputing tinapay ang nasa ibabaw ng aking ulo. Sa ibabaw ng kaing ay naroon ang lahat ng uri ng pagkain para sa Faraon. Subalit ito ay kinakain ng mga ibon mula sa kaing na nasa ibabaw ng aking ulo." Si Jose ay sumagot, "Ito ang kahulugan niyon: ang tatlong kaing ay tatlong araw. Sa loob ng tatlong araw ay itataas ng Faraon ang iyong ulo, at ibibitin ka sa isang punungkahoy, at kakainin ng mga ibon ang iyong laman." Nang ikatlong araw, na siyang kapanganakan ng Faraon, gumawa siya ng isang handaan para sa lahat ng kanyang mga lingkod. Ipinatawag niya ang puno ng mga katiwala ng kopa, at ang puno ng mga panadero. At ibinalik niya ang puno ng mga katiwala ng kopa sa kanyang pagiging katiwala ng kopa, at ibinigay niya ang kopa sa kamay ng Faraon. Subalit ang puno ng mga panadero ay ibinitin niya, gaya ng ipinakahulugan sa kanila ni Jose. Gayunma'y hindi na naalala si Jose ng puno ng mga katiwala ng kopa, kundi nakalimutan siya. Sa katapusan ng dalawang taon, ang Faraon ay nanaginip na siya'y nakatayo sa tabi ng Nilo. May umahon sa ilog na pitong bakang magaganda ang anyo at matataba at ang mga ito ay kumain ng damo. Pagkatapos nito, sa likuran ng mga ito ay may pito pang ibang mga baka na umahon sa ilog na mga pangit ang anyo at payat; at sila ay nagsihinto sa tabi ng mga unang baka sa pampang ng ilog. Ang pitong bakang magaganda ang anyo at matataba ay kinain ng mga bakang pangit ang anyo at payat. At nagising ang Faraon. Siya'y natulog at nanaginip sa ikalawang pagkakataon; mula sa iisang tangkay ay umusbong ang pitong uhay na mabibintog at malulusog. Pagkatapos nito, pitong uhay na payat at rinuyo ng hanging silangan ang tumubong kasunod ng mga iyon. Nilamon ng mga uhay na payat ang pitong uhay na mabibintog at malulusog. Nagising ang Faraon, at iyon ay isang panaginip. Kinaumagahan, ang kanyang diwa ay nabagabag at siya'y nagpasugo at ipinatawag ang lahat ng salamangkero at mga pantas sa Ehipto. Isinalaysay ng Faraon sa kanila ang kanyang panaginip, subalit walang makapagpaliwanag sa Faraon. Nang magkagayon ay nagsalita sa Faraon ang puno ng mga katiwala ng kopa na sinasabi, "Naaalala ko sa araw na ito ang aking pagkakasala. Nang ang Faraon ay nagalit sa kanyang mga lingkod, ibinilanggo niya ako sa bahay ng kapitan ng bantay, ako at ang puno ng mga panadero. Isang gabi, kami ay nanaginip, siya at ako. Kami ay nagkaroon ng kanya-kanyang panaginip na may kanya-kanyang kahulugan. Doon ay kasama namin ang isang binata, isang Hebreo, na alipin ng kapitan ng bantay. Nang sabihin namin sa kanya ay ipinaliwanag niya sa amin ang aming panaginip; ipinaliwanag niya ang kahulugan ayon sa panaginip ng bawat isa sa amin. At nangyari nga sa amin ang ayon sa kanyang ipinaliwanag sa amin; ako'y ibinalik sa aking katungkulan, at ang panadero ay ipinabitay." Kaya't nagpasugo ang Faraon at ipinatawag si Jose, at madali siyang inilabas sa bilangguan. At nang siya'y makapag-ahit at makapagpalit ng damit ay pumunta sa Faraon. At sinabi ng Faraon kay Jose, "Ako'y nanaginip at walang makapagpaliwanag nito. Nabalitaan ko na pagkarinig mo ng isang panaginip ay naipapaliwanag mo." Sumagot si Jose sa Faraon, na sinasabi, "Hindi ako, ang Diyos ang sasagot sa kapayapaan ng Faraon." Pagkatapos ay sinabi ng Faraon kay Jose, "Sa aking panaginip ay nakatayo ako sa pampang ng Nilo; may umahon sa ilog na pitong bakang matataba at magaganda ang anyo, at kumain ng damo. Pagkatapos nito, may ibang pitong baka na nagsiahon sa likuran nila, mga payat, at napakapangit ang anyo, at payat na kailanma'y hindi ako nakakita sa buong lupain ng Ehipto ng kagaya ng mga iyon sa kapangitan. Kinain ng mga bakang payat at pangit ang pitong nauunang bakang matataba. Nang makain na nila ang mga iyon ay walang makapagsasabi na kinain nila ang mga iyon sapagkat ang kanilang anyo ay pangit ding gaya ng una. At nagising ako. Nakakita rin ako sa aking panaginip ng pitong uhay na umuusbong sa isang tangkay, mabibintog at malulusog; at pitong uhay na lanta, payat at tinuyo ng hanging silangan ang umuusbong na kasunod ng mga iyon. Nilamon ng mga uhay na lanta ang pitong uhay na mabibintog. Isinalaysay ko ito sa mga salamangkero, subalit walang makapagpaliwanag ng kahulugan niyon sa akin." Kaya't sinabi ni Jose sa Faraon, "Ang panaginip ng Faraon ay iisa; ipinakita ng Diyos sa Faraon ang malapit na niyang gawin. Ang pitong malulusog na baka ay pitong taon; at ang pitong mabibintog na uhay ay pitong taon. Ito ay iisang panaginip. At ang pitong payat at pangit na baka na umahong kasunod ng mga iyon ay pitong taon, gayundin ang pitong uhay na tinuyo ng hanging silangan; ang mga iyon ay pitong taong taggutom. Ito ang aking sinabi sa Faraon. Ang malapit nang gawin ng Diyos ay ipinaalam niya sa Faraon. Magkakaroon ng pitong taong kasaganaan sa buong lupain ng Ehipto. Pagkatapos ng mga iyon, magkakaroon ng pitong taong taggutom at ang lahat ng kasaganaan sa lupain ng Ehipto ay malilimutan at sasalantain ng taggutom ang lupain. Ang kasaganaan sa lupain ay hindi maaalala dahil sa taggutom na susunod; sapagkat ito'y magiging napakatindi. Tungkol sa pag-uulit ng panaginip sa Faraon na makalawa, ito ay nangangahulugan na ang bagay ay itinatag ng Diyos, at iyon ay madali nang gawin ng Diyos. Ngayon nga'y pahanapin ang Faraon ng isang taong matalino at pantas at pamahalain siya sa lupain ng Ehipto. Gawin ng Faraon na maglagay ng mga tagapamahala sa lupain, at kunin ang ikalimang bahagi ng bunga ng lupain ng Ehipto sa loob ng pitong taong kasaganaan. Tipunin nilang lahat ang mga pagkain nitong dumarating na masasaganang taon, at ikamalig ang mga trigo sa ilalim ng kamay ng Faraon, bilang pagkain sa mga bayan, at itabi ang mga ito. Ang pagkain ay maging laan para sa lupain sa pitong taong taggutom na mangyayari sa lupain ng Ehipto, upang huwag mapuksa ang lupain dahil sa taggutom." Ang mungkahi ay ikinatuwa ng Faraon at ng kanyang mga lingkod. Kaya't sinabi ng Faraon sa kanyang mga lingkod, "Makakakita kaya tayo ng isang taong kagaya nito, na kinakasihan ng espiritu ng Diyos?" Sinabi ng Faraon kay Jose, "Yamang itinuro sa iyo ng Diyos ang lahat ng ito, ay walang matalino o pantas na gaya mo. Ikaw ang magiging pinuno sa aking bahay, at ayon sa iyong salita ay susunod ang aking buong bayan; tanging tungkol lamang sa pagkahari magiging mataas ako kaysa iyo." Sinabi ng Faraon kay Jose, "Ikaw ay inatasan ko upang mamahala sa buong lupain ng Ehipto." Inalis ng Faraon sa kamay niya ang kanyang singsing at inilagay sa kamay ni Jose, at siya'y sinuotan ng pinong lino at inilagay ang isang kuwintas na ginto sa kanyang leeg. Siya'y pinasakay niya sa karwahe na para sa ikalawang pinakamataas na pinuno; at sila'y sumisigaw sa unahan niya, "Lumuhod kayo!" Sa gayo'y inilagay siya bilang puno sa buong lupain ng Ehipto. Sinabi ng Faraon kay Jose, "Ako ang Faraon, at kung walang pagsang-ayon mula sa iyo ay hindi magtataas ang sinumang tao ng kanyang kamay o ng kanyang paa sa buong lupain ng Ehipto." Pinangalanan ng Faraon si Jose na Zafenat-panea, at ibinigay bilang asawa niya si Asenat, na anak ni Potifera, na pari sa On. Sa gayo'y nagkaroon si Jose ng kapangyarihan sa lupain ng Ehipto. Si Jose ay tatlumpung taong gulang na nang magsimulang maglingkod sa Faraon na hari ng Ehipto. Si Jose ay umalis sa harapan ng Faraon, at nilibot ang buong lupain ng Ehipto. Ang lupa ay nagbungangsagana sa loob ng pitong taon ng kasaganaan, at tinipon niya ang lahat ng pagkain sa loob ng pitong taon na may kasaganaan sa lupain ng Ehipto, at inimbak ang pagkain sa mga bayan. Ang pagkain sa mga bukid na nasa palibot ng bawat bayan ay inimbak sa bawat bayan. Si Jose ay nag-imbak ng napakaraming trigo na gaya ng buhangin sa dagat, hanggang sa huminto siya sa pagtatala nito, sapagkat hindi na ito mabilang. Bago dumating ang taon ng taggutom ay ipinanganak kay Jose ang dalawang lalaki, na ipinanganak sa kanya ni Asenat na anak ni Potifera, na pari sa On. Tinawag ni Jose ang pangalan ng panganay na Manases, sapagkat sinabi niya, "Ipinalimot ng Diyos sa akin ang lahat ng aking paghihirap at ang buong sambahayan ng aking ama." At ang ipinangalan sa ikalawa ay Efraim sapagkat sinabi niya, "Ako'y pinalago ng Diyos sa lupain ng aking pagdadalamhati." Ang pitong taon ng kasaganaan na nasa lupain ng Ehipto ay natapos. Nang ang pitong taon ng taggutom ay nagpasimulang dumating, ayon sa sinabi ni Jose, nagkagutom sa lahat ng lupain subalit sa buong lupain ng Ehipto ay may pagkain. Nang ang buong lupain ng Ehipto ay nagutom, ang taong-bayan ay humingi ng pagkain sa Faraon. Kaya't sinabi ng Faraon sa lahat ng mga Ehipcio, "Pumunta kayo kay Jose; ang kanyang sabihin sa inyo ay inyong gawin." Yamang ang taggutom ay lumaganap sa buong lupain, binuksan ni Jose ang lahat ng kamalig at nagbili sa mga Ehipcio, sapagkat matindi ang taggutom sa lupain ng Ehipto. Bukod dito, lahat ng mga taga-ibang lupain ay dumating upang bumili ng trigo kay Jose sapagkat matindi ang taggutom sa buong daigdig. Nabalitaan ni Jacob na may trigo sa Ehipto, kaya't sinabi ni Jacob sa kanyang mga anak, "Bakit kayo nagtitinginan?" Kanyang sinabi, "Aking narinig na may trigo sa Ehipto. Bumaba kayo roon, at bumili kayo ng para sa atin, upang tayo'y mabuhay at huwag mamatay." Kaya't ang sampung kapatid ni Jose ay bumaba upang bumili ng trigo sa Ehipto. Subalit si Benjamin na kapatid ni Jose ay hindi pinasama ni Jacob sa kanyang mga kapatid, sapagkat sabi niya, "Baka may mangyaring kapahamakan sa kanya." Kaya't ang mga anak ni Israel ay kasama ng iba pang nagsidating upang bumili ng trigo, sapagkat ang taggutom ay nakarating na sa lupain ng Canaan. Si Jose noon ang tagapamahala sa lupain. Siya ang nagbibili ng trigo sa lahat ng mga tao sa lupain. At dumating ang mga kapatid ni Jose at sila'y yumuko sa kanya na ang kanilang mga mukha ay nakasubsob sa lupa. Nakita ni Jose ang kanyang mga kapatid at nakilala sila, subalit siya'y nagkunwaring iba sa kanila, at nagsalita ng marahas na mga bagay sa kanila. Sinabi niya sa kanila, "Saan kayo nanggaling?" Sinabi nila, "Mula sa lupain ng Canaan, upang bumili ng pagkain." Nakilala ni Jose ang kanyang mga kapatid, subalit siya'y hindi nila nakilala. Naalala ni Jose ang kanyang napanaginip tungkol sa kanila; at sinabi sa kanila, "Kayo'y mga espiya, naparito kayo upang tingnan ang kahubaran ng lupain." Kanilang sinabi sa kanya, "Hindi, panginoon ko, kundi ang iyong mga lingkod ay nagsiparito upang bumili ng pagkain. Kaming lahat ay mga anak ng isa lamang lalaki. Kami ay mga taong tapat; ang iyong mga lingkod ay hindi mga espiya." Kanyang sinabi sa kanila, "Hindi! Pumarito kayo upang tingnan ang kahubaran ng lupain." Ngunit kanilang sinabi, "Kaming iyong mga lingkod ay labindalawang magkakapatid, na mga anak ng isa lamang lalaki sa lupain ng Canaan. Ang bunso ay nasa aming ama ngayon, at ang isa ay wala na." Sinabi sa kanila ni Jose, "Iyan ang sinabi ko sa inyo, 'Kayo'y mga espiya!' Sa pamamagitan nito ay masusubok kayo: Kung paanong nabubuhay si Faraon, hindi kayo aalis dito malibang pumarito ang inyong kapatid na bunso. Suguin ninyo ang isa sa inyo at dalhin dito ang inyong kapatid, habang kayo ay nasa bilangguan upang masubok ang inyong mga salita, kung may katotohanan sa inyo; at kung wala, kung paanong nabubuhay ang Faraon, ay tunay na mga espiya nga kayo." Silang lahat ay kanyang inilagay na magkakasama sa bilangguan sa loob ng tatlong araw. Nang ikatlong araw, sinabi ni Jose sa kanila, "Gawin ninyo ito at kayo'y mabubuhay; sapagkat may takot ako sa Diyos. Kung kayo'y mga taong tapat, maiwan ang isa sa inyong magkakapatid kung saan kayo nakabilanggo; at ang iba ay humayo upang magdala ng trigo dahil sa taggutom sa inyong mga sambahayan. Dalhin ninyo sa akin ang inyong kapatid na bunso; sa ganito'y mapapatotohanan ang inyong mga salita, at hindi kayo mamamatay." At kanilang ginawa ang gayon. Sinabi nila sa isa't isa, "Talagang tayo ay nagkasala dahil sa ating kapatid, sapagkat nakita natin ang kanyang pighati nang siya'y makiusap sa atin, ngunit hindi natin siya pinakinggan. Dahil dito'y dumating sa atin ang pighating ito." Si Ruben ay sumagot sa kanila, "Hindi ba sinabi ko sa inyo, huwag kayong magkasala laban sa bata; at ayaw kayong makinig? Kaya ngayon ay dumating ang pagtutuos para sa kanyang dugo." Hindi nila nalalaman na naiintindihan sila ni Jose, yamang siya ay nakipag-usap sa kanila sa pamamagitan ng isang tagapagsalin. Kaya't siya'y lumayo sa kanila at umiyak; at siya'y bumalik at nakipag-usap sa kanila. Kinuha niya sa kanila si Simeon, at siya'y tinalian sa harapan ng kanilang mga paningin. Ipinag-utos ni Jose na punuin ng trigo ang kanilang mga sisidlan at ibalik ang salapi ng bawat isa sa kanya-kanyang sako at sila'y bigyan ng mababaon sa daan. At ito ay ginawa para sa kanila. Pagkatapos ay kanilang ipinapasan ang trigo sa kanilang mga asno at umalis mula roon. Sa pagbubukas ng isa sa kanyang sako upang bigyan ng pagkain ang kanyang asno sa tuluyan, nakita niya ang kanyang salapi, at nakita niya na ito ay nasa ibabaw ng kanyang sako. Sinabi niya sa kanyang mga kapatid, "Ang salapi ko ay isinauli at tingnan din ninyo ang aking sako." Sila'y nanlupaypay at bawat isa ay takot na nagsasabi sa kanyang kapatid, "Ano itong ginawa ng Diyos sa atin?" Nang sila'y dumating kay Jacob na kanilang ama sa lupain ng Canaan, isinalaysay nila sa kanya ang lahat ng nangyari sa kanila, na sinasabi; "Ang lalaking pinuno sa lupaing iyon ay marahas na kinausap kami at itinuring kaming mga espiya sa lupain. Ngunit aming sinabi sa kanya, 'Kami ay mga tapat, hindi kami mga espiya. Kami ay labindalawang magkakapatid, mga anak ng aming ama; ang isa'y wala na, at ang bunso ay nasa aming ama ngayon sa lupain ng Canaan.' Sinabi sa amin ng lalaking iyon na pinuno ng lupain, 'Sa pamamagitan nito ay makikilala ko kung kayo'y mga tapat. Iwan ninyo sa akin ang isa sa inyong mga kapatid; umalis kayo at magdala ng butil para sa taggutom sa inyong mga sambahayan. Dalhin ninyo rito sa akin ang inyong bunsong kapatid upang aking malaman na kayo'y hindi mga espiya, kundi kayo'y mga tapat. Saka ko isasauli sa inyo ang inyong kapatid at kayo'y makakapangalakal sa lupain.'" Nang inaalisan nila ng laman ang kanilang mga sako, sa sako ng bawat isa ay nakalagay ang kanya-kanyang bungkos ng salapi. Nang makita nila at ng kanilang ama ang kanilang mga bungkos ng salapi, sila ay natakot. Sinabi sa kanila ng kanilang amang si Jacob, "Pinangulila ninyo ako; si Jose ay wala na, at si Simeon ay wala na, at kukunin pa ninyo si Benjamin. Lahat ng ito ay nangyari sa akin!" Nagsalita si Ruben sa kanyang ama, "Maaari mong ipapatay ang aking dalawang anak kung hindi ko siya maibabalik sa iyo. Ibigay mo siya sa akin at siya'y ibabalik ko sa iyo." Sinabi niya, "Hindi aalis ang aking anak na kasama ninyo sapagkat ang kanyang kapatid ay patay na, at siya na lamang ang natitira. Kung mangyari sa kanya ang anumang kapahamakan sa paglalakbay na inyong gagawin, ay pabababain nga ninyo ang aking mga uban na may kapanglawan sa Sheol." Noon ay matindi ang taggutom sa lupain. Nang maubos na nilang kainin ang trigo na kanilang dinala mula sa Ehipto, sinabi sa kanila ng kanilang ama, "Bumalik kayo, bumili kayo ng kaunting pagkain para sa atin." Subalit sinabi ni Juda sa kanya, "Ang lalaking iyon ay mahigpit na nagbabala sa amin, na sinasabi, 'Hindi ninyo makikita ang aking mukha malibang kasama ninyo ang inyong kapatid.' Kung pasasamahin mo sa amin ang aming kapatid, bababa kami at ibibili ka namin ng pagkain. Subalit kapag hindi mo siya pinasama ay hindi kami bababa; sapagkat sinabi sa amin ng lalaki, 'Hindi ninyo ako makikita malibang kasama ninyo ang inyong kapatid.' " Sinabi naman ni Israel, "Bakit ninyo ako ginawan ng ganitong kasamaan, na inyong sinabi sa lalaki na mayroon pa kayong ibang kapatid?" Sila'y sumagot, "Ang lalaki ay masusing nagtanong tungkol sa amin at sa ating pamilya, na sinasabi, 'Buhay pa ba ang inyong ama? May kapatid pa ba kayo?' Sumagot kami sa kanyang mga tanong. Paano namin malalaman na kanyang sasabihin, 'Dalhin ninyo rito ang inyong kapatid?'" Sinabi ni Juda kay Israel na kanyang ama. "Pasamahin mo sa akin ang bata at hayaan mong kami ay makaalis na upang tayo'y mabuhay at huwag mamatay — kami, ikaw, at ang aming mga anak. Ako mismo ang mananagot para sa kanya. Maaari mo akong panagutin para sa kanya. Kapag hindi ko siya naibalik sa iyo at naiharap sa iyo, ako ang magpapasan ng sisi magpakailanman. Sapagkat kung hindi sana tayo naantala, dalawang ulit na sana kaming nakabalik." Sinabi naman sa kanila ng kanilang amang si Israel, "Kung talagang gayon, gawin ninyo ito: magdala kayo sa inyong sisidlan ng mga piling bunga ng lupain, at dalhan ninyo ng handog ang lalaki ng kaunting mabangong langis at kaunting pulot, pabango, mira, mga pili at almendras. Magdala rin kayo ng dobleng dami ng salapi; dalhin ninyong pabalik ang salaping isinauli nila sa ibabaw ng inyong mga sako. Marahil iyon ay hindi napansin. Dalhin din ninyo ang inyong kapatid, at muli kayong maglakbay pabalik sa lalaking iyon. Pagkalooban nawa kayo ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat ng awa sa harapan ng lalaking iyon upang ibalik sa inyo ang inyong isa pang kapatid at si Benjamin. At ako, kung ako'y mangulila, ako'y mangungulila." Kaya't dinala ng mga lalaki ang handog at ang dobleng dami ng salapi at si Benjamin. Sila'y pumunta sa Ehipto, at humarap kay Jose. Nang makita ni Jose si Benjamin na kasama nila, ay sinabi niya sa katiwala ng kanyang bahay, "Dalhin mo ang mga lalaking iyan sa bahay, magpatay ka ng hayop, at ihanda mo; sapagkat ang mga lalaking iyan ay manananghaliang kasalo ko." Dinala ng katiwala ang mga lalaking iyon sa bahay ni Jose. Ang mga lalaki ay natakot sapagkat sila'y dinala sa bahay ni Jose, at sinabi nila, "Dinala tayo rito dahil sa salaping isinauli sa ating mga sako noon, upang magkaroon siya ng pagkakataong dakpin tayo, at tayo'y kunin bilang mga alipin, pati ang ating mga asno." Kaya't sila'y lumapit sa katiwala ng bahay ni Jose at kinausap nila sa pintuan ng bahay. Sinabi nila, "O panginoon ko, talagang kami ay bumaba noong una upang bumili ng pagkain. Nang dumating kami sa tuluyan, binuksan namin ang aming mga sako, at naroon ang salapi ng bawat isa na nasa ibabaw ng kanya-kanyang sako, ang salapi namin sa tunay nitong timbang; kaya't ito ay muli naming dinala. Nagdala rin kami ng karagdagang salapi upang ibili ng pagkain. Hindi namin nalalaman kung sino ang naglagay ng aming salapi sa aming mga sako." Siya'y sumagot, "Huwag kayong mag-alala o matakot man. Ang Diyos ninyo at ang Diyos ng inyong ama ang nagbigay sa inyo ng kayamanang nasa inyong mga sako; tinanggap ko ang inyong salapi." Pagkatapos ay dinala niya si Simeon sa kanila. Nang dalhin ng katiwala ang mga lalaki sa bahay ni Jose, at sila'y mabigyan ng tubig, at makapaghugas ng kanilang mga paa, at mabigyan ng pagkain ang kanilang mga asno, ay inihanda nila ang regalo sa pagdating ni Jose sa tanghali, sapagkat kanilang narinig na doon sila magsisikain. Nang dumating si Jose sa bahay, dinala nila sa kanya ang regalo na dinala nila sa loob ng bahay at sila'y nagpatirapa sa harapan niya. Kanyang tinanong sila tungkol sa kanilang kalagayan, at sinabi, "Mayroon bang kapayapaan ang inyong ama, ang matanda na inyong sinabi? Buhay pa ba siya?" Kanilang sinabi, "Mayroong kapayapaan sa iyong lingkod, sa aming ama, siya ay buhay pa." Sila'y nagsiyuko at nagpatirapa. Tumingin siya at nakita niya ang kanyang kapatid na si Benjamin, ang anak ng kanyang ina, at kanyang sinabi, "Ito ba ang inyong bunsong kapatid na inyong sinabi sa akin?" Kanyang sinabi, "Pagpalain ka nawa ng Diyos, anak ko." Pagkatapos ay nagmadaling lumabas si Jose sapagkat nanaig ang kanyang pagmamahal sa kanyang kapatid. Humanap siya ng lugar na maiiyakan, pumasok sa loob ng silid, at umiyak doon. Pagkatapos ay naghilamos siya, lumabas, nagpigil sa sarili, at nagsabi, "Maghain kayo ng pagkain." Kanilang hinainan siya nang bukod, at sila naman ay bukod din, at ang mga Ehipcio na kumakaing kasama niya ay bukod, sapagkat ang mga Ehipcio ay hindi kumakaing kasalo ng mga Hebreo; sapagkat ito ay kasuklamsuklam sa mga Ehipcio. Sila'y umupo sa harapan niya, ang panganay ayon sa kanyang pagkapanganay, at ang bunso ayon sa kanyang pagkabunso. At ang mga lalaki ay nagtinginan sa isa't isa na may pagkamangha. Mula sa hapag ni Jose ay dinalhan sila ng mga pagkain, subalit ang pagkain ni Benjamin ay limang ulit na mas marami kaysa alinman sa kanila. Kaya't sila'y nag-inuman at nagkatuwaang kasama niya. Iniutos niya sa katiwala ng kanyang bahay, "Punuin mo ng mga pagkain ang mga sako ng mga lalaking ito, hangga't madadala nila, at ilagay ang salapi ng bawat isa sa ibabaw ng kanyang sako. Ilagay mo ang aking kopang pilak sa ibabaw ng sako ng bunso, at ang kanyang salapi para sa trigo." Ginawa niya ang ayon sa sinabi ni Jose. Nang nagliliwanag na ang umaga, isinugo na ang mga lalaki, kasama ang kanilang mga asno. Nang sila'y makalabas na sa bayan, at hindi pa sila nakakalayo, sinabi ni Jose sa katiwala ng kanyang bahay, "Bumangon ka, habulin mo ang mga lalaki, at kapag sila'y inabutan mo, ay sabihin mo sa kanila, 'Bakit ginantihan ninyo ng kasamaan ang kabutihan? Bakit ninyo ninakaw ang aking kopang pilak? Hindi ba ito ang kopang iniinuman ng aking panginoon, at sa pamamagitan nito siya ay nanghuhula? Kayo'y gumawa ng masama sa paggawa ng ganyan.' " Nang kanyang abutan sila, kanyang sinabi sa kanila ang mga salitang ito. Kanilang sinabi sa kanya, "Bakit sinabi ng aking panginoon ang mga salitang ito? Malayong gagawa ang iyong mga lingkod ng ganyang bagay. Tingnan mo, ang salapi na aming natagpuan sa ibabaw ng aming mga sako ay aming isinauli sa iyo mula sa lupain ng Canaan. Paano naming mananakaw ang pilak at ginto sa bahay ng iyong panginoon? Maging kanino man ito matagpuan sa iyong mga lingkod, siya ay mamatay, at pati kami ay magiging alipin ng aming panginoon." Kanyang sinabi, "Mangyari ayon sa inyong mga salita; maging kanino man ito matagpuan ay magiging aking alipin; at kayo'y pawawalang-sala." Nang magkagayo'y nagmadali sila, ibinaba ng bawat isa ang kanyang sako sa lupa, at binuksan ng bawat isa ang kanyang sako. Kanyang sinaliksik, Simula sa panganay hanggang sa bunso, at natagpuan ang kopa sa sako ni Benjamin. Kaya't kanilang pinunit ang kanilang mga suot, at kinargahan ng bawat isa ang kanyang asno, at bumalik sa bayan. Nang si Juda at ang kanyang mga kapatid ay dumating sa bahay ni Jose, siya'y nandoon pa, at sila'y nagpatirapa sa lupa sa harapan niya. Sinabi ni Jose sa kanila, "Ano itong ginawa ninyo? Hindi ba ninyo nalalaman na ang isang taong gaya ko ay makapanghuhula?" Sinabi ni Juda, "Anong aming sasabihin sa aming panginoon? Anong aming sasalitain? O paanong kami ay makakapangatuwiran? Natagpuan ng Diyos ang kasamaan ng iyong mga lingkod. Narito, kami ay mga alipin ng aming panginoon, kami pati na ang kinatagpuan ng kopa." At kanyang sinabi, "Malayo nawa sa akin ang gumawa nito; ang taong kinatagpuan ng kopa ay siyang magiging aking alipin, at kayo ay umuwing may kapayapaan sa inyong ama." Nang magkagayo'y lumapit si Juda sa kanya, at sinabi, "O panginoon ko, pahintulutan mo ang iyong lingkod na magsalita sa pandinig ng aking panginoon, at huwag nawang magningas ang iyong galit laban sa iyong lingkod, sapagkat ikaw ay kagaya ng Faraon.. Tinanong ng aking panginoon ang kanyang mga lingkod, na sinasabi, 'Kayo ba'y mayroong ama o kapatid?' At aming sinabi sa aking panginoon, 'Kami ay may ama, isang matanda, at isang anak sa kanyang katandaan, at ang kanyang kapatid ay patay na, at siya lamang ang naiwan ng kanyang ina, at minamahal siya ng kanyang ama.' Sinabi mo sa iyong mga lingkod, 'Dalhin ninyo siya sa akin, upang makita ko siya.' Aming sinabi sa aking panginoon, 'Hindi maiiwan ng bata ang kanyang ama, at kung iiwan niya ang kanyang ama, ang kanyang ama ay mamamatay.' At sinabi mo sa iyong mga lingkod, 'Kapag ang bunso ninyong kapatid ay hindi bumabang kasama ninyo, hindi na ninyo ako makikitang muli.' Nang kami'y bumalik sa iyong lingkod na aking ama, aming sinabi sa kanya ang mga salita ng aking panginoon. Nang sinabi ng aming ama, 'Pumaroon kayong muli; bumili kayo ng kaunting pagkain para sa atin,' ay aming sinabi, 'Hindi kami makakababa. Kung ang aming bunsong kapatid ay kasama namin, ay bababa kami. Sapagkat hindi namin makikita ang mukha ng lalaking iyon, malibang ang aming bunsong kapatid ay kasama namin.' Sinabi ng iyong lingkod na aming ama sa amin, 'Nalalaman ninyo na ang aking asawa ay nagkaanak sa akin ng dalawang lalaki; ang isa'y umalis sa akin, at aking sinabi, tiyak na siya'y nilapa; at hindi ko na siya nakita mula noon. Kung inyong kukunin pa ang isang ito sa akin, at may mangyaring sakuna sa kanya, ay inyong ibababa ang aking uban sa Sheol na may kapanglawan.' Kaya't ngayon, kung ako'y dumating sa iyong lingkod na aking ama, at ang bata ay hindi namin kasama, yamang ang kanyang buhay ay nakatali sa buhay ng batang iyan; kapag kanyang nakitang ang bata ay di kasama, siya ay mamamatay at ibababa ng inyong mga lingkod ang mga uban ng iyong lingkod na aming ama sa Sheol na may kapanglawan. Sapagkat ang iyong lingkod ang siyang naging panagot sa bata sa aking ama, na nagsasabi, 'Kapag hindi ko siya dinala sa iyo, papasanin ko ang sisi ng aking ama magpakailanman.' Kaya't ngayon, hinihiling ko na ipahintulot mo na ang iyong lingkod ang maiwan bilang isang alipin sa aking panginoon sa halip na ang bata at iyong ipahintulot na ang bata ay umahong kasama ng kanyang mga kapatid. Sapagkat paano ako makakapunta sa aking ama kung ang bata'y hindi kasama? Takot akong makita ang kasamaang darating sa aking ama." Kaya't hindi nakapagpigil si Jose sa harapan ng mga nakatayo sa tabi niya, at siya ay sumigaw, "Paalisin ninyo ang lahat ng tao sa aking harapan." Kaya't walang taong nakatayo sa harapan niya nang si Jose ay magpakilala sa kanyang mga kapatid. Siya'y umiyak nang malakas, at ito ay narinig ng mga Ehipcio at ng sambahayan ng Faraon. Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid, "Ako'y si Jose. Buhay pa ba ang aking ama?" Ang kanyang mga kapatid ay hindi makasagot sa kanya, sapagkat sila'y nanginig sa kanyang harapan. Kaya't sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid, "Lumapit kayo sa akin." At sila'y lumapit, at kanyang sinabi, "Ako'y si Jose na inyong kapatid, na inyong ipinagbili upang dalhin sa Ehipto. Ngayon huwag kayong magdalamhati o magalit sa inyong mga sarili sapagkat ako'y ipinagbili ninyo rito; sapagkat sinugo ako ng Diyos na una sa inyo upang magligtas ng buhay. Sapagkat ang taggutom ay dalawang taon na sa lupain; at limang taon pang hindi magkakaroon ng pagbubukid o pag-aani man. Sinugo ako ng Diyos na una sa inyo upang magpanatili para sa inyo ng mga matitira sa daigdig at upang panatilihing buhay para sa inyo ang maraming nakaligtas. Kaya't hindi kayo ang nagsugo sa akin dito, kundi ang Diyos, at ginawa niya ako bilang ama kay Faraon, at bilang panginoon sa kanyang buong bahay, at tagapamahala ng buong lupain ng Ehipto. Magmadali kayo at pumunta kayo sa aking ama, at sabihin ninyo sa kanya, 'Ganito ang sabi ng iyong anak na si Jose: Ginawa ako ng Diyos na panginoon sa buong Ehipto, pumarito ka sa akin, huwag kang magtagal. Ikaw ay maninirahan sa lupain ng Goshen, at malalapit ka sa akin, ikaw at ang iyong mga anak, ang mga anak ng iyong mga anak, ang iyong mga kawan, mga bakahan, at ang iyong buong pag-aari. At doo'y tutustusan kita, sapagkat may limang taong taggutom pa; baka ikaw, at ang iyong sambahayan, at ang lahat ng iyo ay maging dukha.' Nakikitang inyong mga mata at ng mga mata ng aking kapatid na si Benjamin, na ang bibig ko mismo ang nagsasalita sa inyo. Inyong sabihin sa aking ama kung paanong ako'y iginagalang sa Ehipto, at ang lahat ng inyong nakita. Magmadali kayo at dalhin ninyo rito ang aking ama." Siya'y humilig sa leeg ng kanyang kapatid na si Benjamin, at umiyak; at si Benjamin ay umiyak sa kanyang leeg. Kanyang hinagkan ang lahat niyang mga kapatid, at umiyak sa kanila; at pagkatapos ay nakipag-usap sa kanya ang kanyang mga kapatid. Nang ang ulat ay naibalita sa sambahayan ng Faraon, "Dumating na ang mga kapatid ni Jose," ito ay minabuti ni Faraon at ng kanyang mga lingkod. Sinabi ng Faraon kay Jose, "Sabihin mo sa iyong mga kapatid, 'Gawin ninyo ito: Kargahan ninyo ang inyong mga hayop, humayo kayo at umuwi sa lupain ng Canaan. Kunin ninyo ang inyong ama at ang inyong mga sambahayan, at pumarito kayo sa akin. Ibibigay ko sa inyo ang pinakamabuti sa lupain ng Ehipto, at inyong tamasahin ang katabaan ng lupain.' Ngayo'y inuutusan ka, 'Gawin mo ito: kumuha kayo ng mga karwahe sa lupain ng Ehipto para sa inyong mga anak, at sa inyong mga asawa, at kunin ninyo ang inyong ama at kayo'y pumarito. Huwag na ninyong alalahanin pa ang inyong pag-aari, sapagkat ang pinakamabuti ng buong lupain ng Ehipto ay sa inyo.' " Ganoon nga ang ginawa ng mga anak ni Israel, at ayon sa sinabi ng Faraon ay binigyan sila ni Jose ng mga karwahe, at ng mababaon sa daan. Sa kanilang lahat ay nagbigay siya ng mga pampalit na bihisan; ngunit kay Benjamin ay nagbigay siya ng tatlong daang pirasong pilak, at limang pampalit na bihisan. Sa kanyang ama ay nagpadala siya ng ganito: sampung asnong may pasang mabuting mga bagay mula sa Ehipto, at sampung babaing asno na may pasang trigo, tinapay, at pagkain ng kanyang ama sa daan. Kaya't kanyang pinahayo ang kanyang mga kapatid, at sila'y umalis at kanyang sinabi sa kanila, "Huwag kayong mag-aaway sa daan." Sila'y umahon mula sa Ehipto, at dumating sa lupain ng Canaan, kay Jacob na kanilang ama. Kanilang sinabi sa kanya, "Si Jose ay buhay pa! Sa katunaya'y siya ang pinuno sa buong lupain ng Ehipto." Siya ay nabigla; hindi siya makapaniwala sa kanila. Subalit nang kanilang sabihin sa kanya ang lahat ng mga salita na sinabi ni Jose sa kanila, at nang kanyang makita ang mga karwahe na ipinadala ni Jose upang dalhin siya, ay nanauli ang diwa ni Jacob na kanilang ama. At sinabi ni Israel, "Sapat na! Si Jose na aking anak ay buhay pa. Dapat akong pumunta at makita siya bago ako mamatay." Kaya't si Israel, dala ang lahat niyang pag-aari ay naglakbay at dumating sa Beer-seba, at doon ay nag-alay ng mga handog sa Diyos ng kanyang amang si Isaac. Ang Diyos ay nagsalita kay Israel sa mga pangitain sa gabi, at sinabi, "Jacob, Jacob." Sumagot siya, "Narito ako." Kanyang sinabi, "Ako ang Diyos, ang Diyos ng iyong ama; huwag kang matakot na pumunta sa Ehipto sapagkat doo'y gagawin kitang isang dakilang bansa. Ako'y pupuntang kasama mo sa Ehipto, at muli rin kitang ibabalik; at isasara ng kamay ni Jose ang iyong mga mata." Kaya't naglakbay si Jacob mula sa Beer-seba at dinala ng mga anak ni Israel si Jacob na kanilang ama, ang kanilang mga anak, at ang kanilang mga asawa, sa mga karwahe na ipinadala ng Faraon kay Jacob. Kanilang dinala rin ang kanilang mga hayop, ang mga pag-aari na kanilang natamo sa lupain ng Canaan, at dumating sa Ehipto si Jacob at ang lahat ng inapong kasama niya. Ang kanyang mga anak na lalaki at babae, at ang mga anak na lalaki at babae ng kanyang mga anak na kasama niya, at ang kanyang buong binhi ay dinala niya sa Ehipto. Ito ang mga pangalan ng mga Israelita, si Jacob at ang kanyang mga inapo na dumating sa Ehipto: si Ruben na anak na panganay ni Jacob. Ang mga anak ni Ruben: sina Hanoc, Fallu, Hesron, at Carmi. Ang mga anak ni Simeon; sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jakin, Zohar, at si Shaul na anak ng isang babaing taga-Canaan. Ang mga anak ni Levi: sina Gershon, Kohat, at si Merari. Ang mga anak ni Juda: sina Er, Onan, Shela, Perez, at si Zera; ngunit sina Er at Onan ay namatay sa lupain ng Canaan. At ang mga anak ni Perez ay sina Hesron at Hamul. Ang mga anak ni Isacar: sina Tola, Pua, Job, at si Simron. Ang mga anak ni Zebulon: sina Sered, Elon, at si Jalel (ito ang mga anak ni Lea, na kanyang ipinanganak kay Jacob sa Padan-aram, kabilang dito ang kanyang anak na babaing si Dina. Ang lahat ng kanyang mga anak na lalaki at babae ay tatlumpu't tatlo). Ang mga anak ni Gad: sina Zifion, Hagui, Suni, Ezbon, Eri, Arodi, at si Areli. Ang mga anak ni Aser: sina Imna, Isva, Isui, Beriah, at Sera na kanilang kapatid na babae; at ang mga anak ni Beriah: sina Eber at Malkiel. (ito ang mga anak ni Zilpa na siyang ibinigay ni Laban kay Lea na kanyang anak na babae, at ang mga ito ay kanyang ipinanganak kay Jacob, labing-anim na katao). Ang mga anak ni Raquel na asawa ni Jacob: sina Jose at Benjamin. At kay Jose ay ipinanganak sa lupain ng Ehipto sina Manases at Efraim, na ipinanganak sa kanya ni Asenat, na anak ni Potifera na pari sa On. At ang mga anak ni Benjamin: sina Bela, Beker,'Asbel, Gera, Naaman, Ehi, Ros, Muppim, Hupim, at si Ard (ito ang mga anak ni Raquel na ipinanganak kay Jacob: sa kabuuan ay labing-apat na katao). Ang mga anak ni Dan: si Husim. Ang mga anak ni Neftali: sina Jahzeel, Guni, Jeser, at si Shilem (ito ang mga anak ni Bilha, na siyang ibinigay ni Laban kay Raquel na kanyang anak, at ang mga ito ang ipinanganak niyakay Jacob: sa kabuuan ay pitong katao). Lahat ng taong sumama kay Jacob sa Ehipto, na kanyang sariling mga anak, bukod pa ang mga asawa ng mga anak ni Jacob, sa kabuuan ay animnapu't anim na katao. Ang mga anak ni Jose na ipinanganak sa kanya sa Ehipto ay dalawa; ang lahat ng tao sa sambahayan ni Jacob na pumunta sa Ehipto ay pitumpu. At isinugo ni Israel si Juda kay Jose upang ituro ang daan patungo sa Goshen; at sila'y dumating sa lupain ng Goshen. Inihanda ni Jose ang kanyang karwahe at umahon upang salubungin si Israel na kanyang ama sa Goshen. Siya'y humarap sa kanya, yumakap sa kanya, at umiyak nang matagal sa kanyang leeg. Sinabi ni Israel kay Jose, "Ngayo'y hayaan na akong mamatay pagkatapos na makita kong ikaw ay buhay pa." Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid at sa sambahayan ng kanyang ama, "Ako'y aahon at sasabihin ko sa Faraon, 'Ang aking mga kapatid, at ang sambahayan ng aking ama na nasa lupain ng Canaan ay pumarito sa akin; ang mga lalaki ay mga pastol ng kawan sapagkat sila'y naging taga-pag-alaga ng hayop, at kanilang dinala ang kanilang mga kawan, mga bakahan, at ang lahat nilang ari-arian.' At kapag tinawag kayo ng Faraon, at sasabihin, Ano ang inyong hanapbuhay?' ay inyong sasabihin, Ang iyong mga lingkod ay naging tagapag-alaga ng hayop mula sa aming pagkabata hanggang sa ngayon, kami at ang aming mga ninuno,' upang kayo'y patirahin sa lupain ng Goshen, sapagkat bawat pastol ay kasuklamsuklam sa mga Ehipcio." Kaya't pumunta si Jose sa Faraon at sinabi, "Ang aking ama, ang aking mga kapatid, ang kanilang mga kawan, mga bakahan, at ang lahat nilang pag-aari, ay dumating na mula sa lupain ng Canaan. Sila ngayon ay nasa lupain ng Goshen." Kumuha siya ng limang kalalakihan mula sa kanyang mga kapatid at kanyang iniharap sila sa Faraon. Sinabi ng Faraon sa kanyang mga kapatid, "Ano ang inyong hanapbuhay?" At kanilang sinabi sa Faraon, "Ang iyong mga lingkod ay mga pastol, gaya ng aming mga ninuno." Kanilang sinabi sa Faraon, "Pumarito kami upang manirahan bilang dayuhan sa lupain. Walang pastulan para sa mga kawan na pag-aari ng iyong mga lingkod sapagkat ang taggutom ay matindi sa lupain ng Canaan. Ngayon ay pahintulutan mo na ang iyong mga lingkod ay manirahan sa lupain ng Goshen." Pagkatapos ay sinabi ng Faraon kay Jose, "Ang iyong ama at ang iyong mga kapatid ay pumarito sa iyo. Ang lupain ng Ehipto ay nasa harapan mo; patirahin mo ang iyong ama at ang iyong mga kapatid sa pinakamabuti sa lupain, patirahin mo sila sa lupain ng Goshen at kung may alam ka sa kanilang may kakayahan, gawin mo silang mga tagapamahala ng aking mga hayop." Kaya't isinama ni Jose si Jacob na kanyang ama at pinatayo niya sa harapan ng Faraon, at binasbasan ni Jacob ang Faraon. Sinabi ng Faraon kay Jacob, "Gaanong karami na ang mga araw ng mga taon ng iyong buhay?" Sinabi ni Jacob sa Faraon, "Ang mga taon ng aking paninirahan sa lupa ay isandaan at tatlumpung taon; kakaunti at masasama ang naging mga taon ng aking buhay. Hindi iyon maihahambing sa mga taon ng buhay ng aking mga ninuno sa panahon ng kanilang mahabang pamumuhay." At binasbasan ni Jacob ang Faraon at umalis sa harapan ng Faraon. Pinatira ni Jose ang kanyang ama at ang kanyang mga kapatid, at sila'y binigyan ng lugar sa lupain ng Ehipto, sa pinakamabuti sa lupain, sa lupain ng Rameses, gaya ng iniutos ng Faraon. Binigyan ni Jose ng pagkain ang kanyang ama, ang kanyang mga kapatid, at ang buong sambahayan ng kanyang ama, ayon sa bilang ng kanilang mga anak. Noon ay walang pagkain sa buong lupain sapagkat matindi ang taggutom, at ang lupain ng Ehipto at ang lupain ng Canaan ay nanghina dahil sa taggutom. Kaya't tinipon ni Jose ang lahat ng salapi na natagpuan sa lupain ng Ehipto at Canaan, kapalit ng trigong kanilang binibili at ipinasok ni Jose ang salapi sa bahay ng Faraon. Nang ang salapi ay maubos nang lahat sa lupain ng Ehipto at Canaan, pumunta kay Jose ang lahat ng mga Ehipcio, at nagsabi, "Bigyan mo kami ng pagkain, bakit kami mamamatay sa iyong harapan? Sapagkat ang aming salapi ay naubos na." Sinabi ni Jose, "Ibigay ninyo ang inyong mga hayop; at bibigyan ko kayo kapalit ng inyong mga hayop, kung naubos na ang salapi." Kaya't dinala nila ang kanilang mga hayop kay Jose, at binigyan sila ni Jose ng pagkain kapalit ng mga kabayo, mga kawan, mga bakahan, at mga asno. Nang taong iyon, sila'y kanyang binigyan ng pagkain kapalit ng lahat nilang mga hayop. Nang matapos ang taong iyon ay muli silang pumunta sa kanya nang ikalawang taon. Sinabi nila sa kanya, "Hindi namin maililihim sa aming panginoon na ang pilak at mga kawan ng hayop ay naubos na at ang mga kawan ng hayop ay sa aking panginoon na. Wala nang naiiwan sa paningin ng aking panginoon kundi ang aming katawan at ang aming mga lupain. Dapat ba kaming mamatay sa inyong harapan, kami at ang aming lupain? Bilhin mo kami at ang aming mga lupain kapalit ng pagkain, at kami at ang aming lupain ay magiging mga alipin sa Faraon. Bigyan mo kami ng binhi, upang kami ay mabuhay at huwag mamatay, upang ang lupain ay huwag maging walang laman." Kaya't binili ni Jose ang buong lupain ng Ehipto para sa Faraon. Ipinagbili ng bawat isa sa mga Ehipcio ang kanyang bukid, sapagkat matindi para sa kanila ang taggutom. Kaya't ang lupain ay naging sa Faraon. At tungkol sa mga tao, kanyang ginawa silang mga alipin mula sa isang dulo ng hangganan ng Ehipto hanggang sa kabilang dulo. Tanging ang lupa lamang ng mga pari ang hindi niya binili, sapagkat ang Faraon ay nagtakda ng bahagi para sa mga pari at karaniwang kumakain sila mula sa bahagi na ibinibigay sa kanila ng Faraon. Dahil dito, hindi nila ipinagbili ang kanilang lupa. Nang magkagayo'y sinabi ni Jose sa bayan, "Ngayo'y binili ko kayo sa araw na ito at ang inyong mga lupa para sa Faraon. Narito ang binhi para sa inyo; hasikan ninyo ang lupa. Sa panahon ng inyong pag-aani ay ibibigay ninyo ang ikalimang bahagi sa Faraon, at ang apat na bahagi ay para sa inyo, para sa binhi sa bukid at bilang pagkain ninyo, ng inyong mga kasambahay, at ng inyong mga anak." Kanilang sinabi, "Iniligtas mo ang aming buhay; kung gugustuhin ng aking panginoon, kami ay magiging mga alipin ng Faraon." Kaya't ginawang kautusan ni Jose sa lupain ng Ehipto hanggang sa araw na ito na ang ikalimang bahagi ay para kay Faraon. Tanging ang lupa ng mga pari ang hindi naging kay Faraon. Kaya't si Israel ay nanirahan sa lupain ng Ehipto, sa lupain ng Goshen; at sila'y nagkaroon ng mga pag-aari roon, at sumagana at naging napakarami. Si Jacob ay nanirahan sa lupain ng Ehipto ng labimpitong taon; kaya't ang mga araw ni Jacob, ang mga taon ng kanyang buhay, ay isandaan at apatnapu't pitong taon. Nang ang araw ng kamatayan ni Israel ay malapit na, tinawag niya ang kanyang anak na si Jose, at sinabi sa kanya, "Kung ako ngayon ay makakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, hinihiling ko na ilagay mo ang iyong kamay sa ilalim ng aking hita, at mangako kang maging tapat at tunay sa akin. Huwag mo akong ililibing sa Ehipto. Kapag ako'y humimlay na kasama ng aking mga ninuno, ilabas mo ako mula sa Ehipto, at ilibing mo ako sa kanilang libingan." At sinabi ni Jose, "Aking gagawin ang ayon sa iyong sinabi." Kanyang sinabi, "Sumumpa ka sa akin;" at sumumpa siya sa kanya. At yumuko si Israel sa ulunan ng kanyang higaan. Pagkatapos ng mga bagay na ito, sinabi kay Jose, "Ang iyong ama ay may sakit." Kaya't isinama niya ang kanyang dalawang anak, sina Manases at Efraim. Nang sabihin kay Jacob, "Narito, pinuntahan ka ng anak mong si Jose;" siya ay nagpalakas at umupo sa higaan. Sinabi ni Jacob kay Jose, "Ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat ay nagpakita sa akin sa Luz sa lupain ng Canaan, at binasbasan ako, at sinabi sa akin, 'Palalaguin at pararamihin kita, at gagawin kitang isang kapisanan ng mga bayan; at ibibigay ko ang lupaing ito sa iyong binhi pagkamatay mo, bilang isang pag-aari magpakailanman.' Kaya't akin na ngayon ang dalawa mong anak na ipinanganak sa iyo sa lupain ng Ehipto bago ako pumarito sa iyo: sina Efraim at Manases, gaya nina Ruben at Simeon. Ang iyong mga anak na ipinanganak pagkaraan nila ay magiging iyo; sila'y tatawagin sa kanilang mana ayon sa pangalan ng kanilang mga kapatid. Sapagkat nang ako'y dumating mula sa Padan, si Raquel ay namatay sa lupain ng Canaan sa daan, nang malapit nang makarating sa Efrata; at inilibing ko siya roon sa daan ng Efrata" (na siya ring Bethlehem). Nang nakita ni Israel ang mga anak ni Jose, ay sinabi niya, "Sinu-sino ang mga ito?" Sinabi ni Jose sa kanyang ama, "Sila'y aking mga anak, na ibinigay ng Diyos sa akin dito." Kanyang sinabi, "Dalhin mo sila sa akin, at sila'y aking babasbasan." Ang mga mata nga ni Israel ay malabo na dahil sa katandaan, at hindi na siya makakita. Kanyang hinagkan sila, at niyakap. Sinabi ni Israel kay Jose, "Hindi ko akalaing makikita ko pa ang iyong mukha, at ngayon ay ipinakita rin sa akin ng Diyos ang iyong binhi." Sila'y inalis ni Jose mula sa kanyang mga tuhod, at iniyuko ang kanyang mukha sa lupa. Kapwa sila dinala ni Jose, si Efraim sa kanyang kanang kamay patungo sa kaliwang panig ni Israel, at si Manases sa kanyang kaliwang kamay patungo sa kanang panig ni Israel, at kanyang inilapit sila sa kanya. Iniunat ni Israel ang kanyang kanang kamay at ipinatong sa ulo ni Efraim, na siyang bunso, at ang kanyang kaliwang kamay sa ulo ni Manases, na pinagkrus ang kanyang mga kamay; sapagkat si Manases ang panganay. Kanyang binasbasan si Jose, at sinabi, "Ang Diyos na sa harapan niya ay lumakad ang aking mga ninuno na sina Abraham at Isaac, ang Diyos na naging pastol ko simula nang ako'y ipanganak hanggang sa araw na ito, ang anghel na tumubos sa akin sa bawat kasamaan, nawa'y pagpalain niya ang mga batang ito; at tawagin nawa sila sa aking pangalan, at sa pangalan ng aking mga magulang na sina Abraham at Isaac, at nawa'y dumami sila sa ibabaw ng lupa." Nang makita ni Jose na ipinatong ng kanyang ama ang kanyang kanang kamay sa ulo ni Efraim, ito ay naging masama sa kanyang paningin. Kaya't hinawakan niya ang kamay ng kanyang ama upang ilipat mula sa ulo ni Efraim tungo sa ulo ni Manases. At sinabi ni Jose sa kanyang ama, "Hindi ganyan, ama ko. Yamang ang isang ito ang panganay, ipatong mo ang iyong kanang kamay sa kanyang ulo." Subalit tumanggi ang kanyang ama, "Nalalaman ko, anak ko, nalalaman ko. Siya man ay magiging isang bayan, at siya man ay magiging dakila. Subalit ang kanyang kapatid na mas bata ay magiging higit na dakila kaysa kanya, at ang kanyang binhi ay magiging napakaraming mga bansa." Kaya't kanyang binasbasan sila nang araw na iyon, na sinasabi, "Sa pamamagitan mo ang Israel ay magpapala, na magsasabi, 'Gawin ka nawa ng Diyos na gaya ni Efraim at gaya ni Manases.'" At sinabi ni Israel kay Jose, "Ako'y malapit nang mamatay, ngunit ang Diyos ay lagi ninyong kasama, at ibabalik kayong muli sa lupain ng inyong mga ninuno. Bukod dito'y binigyan kita ng isang libis ng bundok na higit kaysa iyong mga kapatid, na kinuha ko sa pamamagitan ng aking tabak at busog sa kamay ng mga Amoreo." Pagkatapos ay tinawag ni Jacob ang kanyang mga anak, at sinabi, "Magtipun-tipon kayo at sasabihin ko sa inyo ang mangyayari sa inyo sa mga araw na darating. Magtipun-tipon kayo at makinig, kayong mga anak ni Jacob; at inyong pakinggan si Israel na inyong ama. Ruben, ikaw ang aking panganay, ang aking kalakasan, ang siyang pasimula ng aking kapangyarihan, ang pinakamataas sa karangalan at kalakasan, at siyang kasakdalan ng kapangyarihan. Kagaya ng kumukulong tubig, ikaw ay hindi mangingibabaw; sapagkat, sumampa ka sa higaan ng iyong ama: pagkatapos ay dinumihan mo ito — sumampa sa aking tulugan. Simeon at si Levi ay magkapatid; ang kanilang mga sandata ay mga kasangkapan ng karahasan. Huwag nawang pumasok ang aking kaluluwa sa kanilang payo; huwag isama ang aking espiritu sa kanilang kapisanan; sapagkat sa kanilang galit ay pumatay sila ng tao, at sa kanilang sariling kalooban ay nilumpo nila ang baka. Sumpain ang kanilang galit, sapagkat ito ay mabangis; at ang kanilang poot, sapagkat ito ay malupit. Hahatiin ko sila sa Jacob, at ikakalat ko sila sa Israel. Juda, pupurihin ka ng iyong mga kapatid; ang iyong kamay ay malagay sa leeg ng iyong mga kaaway; ang mga anak ng iyong ama nawa ay yumukod sa harapan mo. Juda'y isang anak ng leon. Aking anak, ikaw ay umahon mula sa pagkahuli, siya'y yumuko, siya'y lumugmok na parang leon; at gaya ng isang babaing leon, sinong makakagising sa kanya? Ang setro ay hindi mahihiwalay kay Juda, ni ang tungkod ng pagkapuno sa pagitan ng kanyang mga paa, hanggang sa ang Shilo ay dumating; at ang pagtalima ng mga bayan sa kanya. Itinali ang kanyang batang asno sa puno ng ubas, at ang guya ng kanyang asno sa piling puno ng ubas; nilabhan niya ang kanyang suot sa alak, at ang kanyang damit sa dugo ng ubas. Ang kanyang mga mata ay namumula sa alak, at ang kanyang mga ngipin ay namumuti sa gatas. Si Zebulon ay tatahan sa dalampasigan, at siya'y magiging kanlungan ng mga sasakyang-dagat; at ang kanyang hangganan ay magiging hanggang Sidon. Si Isacar ay isang malakas na asno, na nahihiga sa gitna ng mga kawan ng mga tupa; at nakakita siya ng dakong pagpapahingahan, na ito ay mabuti, at ang lupain ay maganda; at kanyang iniyuko ang kanyang balikat upang pasanin, at naging aliping sapilitang pinagagawa. Si Dan ay hahatol sa kanyang bayan, bilang isa sa mga lipi ni Israel. Si Dan ay magiging ahas sa daan, isang ulupong sa landas, na nangangagat ng mga sakong ng kabayo, kaya't nahuhulog sa likuran ang sakay niyon. Aking hinintay ang iyong pagliligtas, O PANGINOON. Si Gad ay sasalakayin ng isang pulutong ng mandarambong, ngunit siya ang sasalakay sa kanilang mga sakong. Mula kay Aser, ang kanyang tinapay ay tataba, at siya ay magbibigay ng pagkaing-hari. Si Neftali ay isang babaing usa na pinakawalan, na nagbibigay ng isang magandang pananalita. Si Jose ay isang mabungang supling, isang mabungang supling sa tabi ng bukal; ang kanyang mga sanga'y gumagapang sa ibabaw ng pader. Ginigipit siya ng mga bihasa sa pana, at namamana, at naghihintay na tambangan siya. Ngunit ang kanyang busog ay nananatili sa kalakasan, at ang mga kamay ng kanyang bisig ay pinalakas ng mga kamay ng Makapangyarihan ni Jacob (sa pangalan ng Pastol, ang Bato ng Israel), sa pamamagitan ng Diyos ng iyong ama, na tutulong sa inyo, ng Makapangyarihan sa lahat na magpapala sa inyo, pagpapala ng langit mula sa itaas, mga pagpapala ng mga kalaliman na nalalagay sa ibaba, mga pagpapala ng mga dibdib at ng bahay-bata. Ang mga pagpapala ng iyong ama ay higit na malakas kaysa pagpapala ng walang hanggang kabundukan, sa kasaganaan ng mga burol na walang hanggan; nawa ang mga iyon ay mapasaulo ni Jose, at para sa kilay niya na ibinukod mula sa mga kapatid. Si Benjamin ay isang lobong mabangis; sa umaga'y nilalamon niya ang nasila, at sa gabi ay paghahatian niya ang samsam." Ang lahat ng ito ang labindalawang lipi ng Israel. At ito ang sinalita ng kanilang ama sa kanila, at sila'y binasbasan niya, ang bawat isa ayon sa basbas sa kanya. Pagkatapos ay iniutos niya sa kanila, "Ako'y malapit nang makasama sa aking bayan. Ilibing ninyo ako sa tabi ng aking mga magulang, sa yungib na nasa parang ni Efron na Heteo, sa yungib na nasa parang ng Macpela, na nasa tapat ng Mamre, sa lupain ng Canaan, ang parang na binili ni Abraham kay Efron na Heteo, upang maging libingan. Doon nila inilibing si Abraham at si Sara na kanyang asawa; at doon nila inilibing si Isaac at si Rebecca na kanyang asawa; at doon ko inilibing si Lea, sa parang at sa yungib na nandoon na binili mula sa mga anak ni Het." Pagkatapos na si Jacob ay makapagbilin sa kanyang mga anak, itinikom niya ang kanyang mga paa sa higaan, siya'y nalagutan ng hininga at naging kasama ng kanyang bayan. Yumakap si Jose sa kanyang ama, umiyak sa harapan niya, at hinalikan niya. Iniutos ni Jose sa kanyang mga manggagamot na naglilingkod sa kanya na embalsamuhin ang kanyang ama, at inembalsamo ng mga manggagamot si Israel. Gumugol sila ng apatnapung araw na siyang kailangan upang matupad ang pag-iimbalsamo. At ang mga Ehipcio ay tumangis para sa kanya ng pitumpung araw. Nang makaraan na ang mga araw ng kanyang pagtangis, si Jose ay nagsalita sa sambahayan ng Faraon, "Kung ngayo'y nakatagpo ako ng biyaya sa inyong paningin ay sabihin ninyo sa pandinig ni Faraon: Pinanumpa ako ng aking ama, na sinasabi, 'Ako'y malapit nang mamatay; ililibing mo ako doon sa libingan na aking hinukay para sa akin sa lupain ng Canaan.' Kaya't ngayon ay nakikiusap ako na pahintulutan ninyo akong umalis, at ilibing ko ang aking ama, at muli akong babalik." Sinabi ng Faraon, "Umalis ka, at ilibing mo ang iyong ama, ayon sa kanyang ipinasumpa sa iyo." Kaya't umalis si Jose upang ilibing ang kanyang ama. Kasama niyang umalis ang lahat ng lingkod ng Faraon, ang mga matatandang pinuno sa kanyang sambahayan, ang lahat ng matatandang pinuno sa lupain ng Ehipto; ang buong sambahayan ni Jose, ang kanyang mga kapatid, at ang sambahayan ng kanyang ama. Tanging ang kanilang mga anak lamang, mga kawan, at bakahan, ang iniwan nila sa lupain ng Goshen. Umahong kasama niya ang mga karwahe at mga nangangabayo. Iyon ay isang napakalaking pangkat. Sila'y nakarating hanggang sa giikan sa Atad na nasa kabilang ibayo ng Jordan; at doo'y tumangis sila nang malakas at napakatindi. Kanyang ipinagluksa ang kanyang ama sa loob ng pitong araw. Nang makita ng mga Cananeo na nakatira sa lupaing iyon ang pagtangis sa giikan sa Atad, ay kanilang sinabi, "Ito'y isang napakalaking panaghoy para sa Ehipcio," kaya't ang pangalang itinawag dito ay Abelmizraim, ito ay nasa kabilang ibayo ng Jordan. Ginawa sa kanya ng kanyang mga anak ang ayon sa iniutos sa kanila. Dinala siya ng kanyang mga anak sa lupain ng Canaan, at inilibing siya sa yungib ng Macpela sa parang na binili ni Abraham upang maging libingan, mula kay Efron na Heteo, sa tapat ng Mamre. Pagkatapos niyang mailibing ang kanyang ama, bumalik si Jose sa Ehipto, kasama ang kanyang mga kapatid at ang lahat ng umalis na kasama niya sa paglilibing sa kanyang ama. Nang makita ng mga kapatid ni Jose na ang kanilang ama'y patay na, ay kanilang sinabi, "Baka si Jose ay may galit sa atin, at tayo'y tiyak na gantihan sa lahat ng kasamaang ginawa natin sa kanya." Kaya't ipinasabi nila kay Jose, "Iniutos ng iyong ama bago namatay, na sinasabi, 'Ganito ang inyong sasabihin kay Jose: Hinihiling ko na ipatawad mo ang pagkakasala ng iyong mga kapatid, at ang kanilang pagkakamali sapagkat sila'y gumawa ng kasamaan sa iyo.' Hinihiling namin na ipatawad mo ang pagkakasala ng mga lingkod ng Diyos ng iyong ama." Si Jose ay umiyak nang sila ay magsalita'sa kanya. Ang kanyang mga kapatid ay lumapit at nagpatirapa sa harapan niya at kanilang sinabi, "Narito, kami ay iyong mga alipin." Subalit sinabi ni Jose sa kanila, "Huwag kayong matakot. Sapagkat ako ba ay nasa lugar ng Diyos? Kayo, kayo'y nagnasa ng masama laban sa akin, ngunit inilagay ng Diyos para sa kabutihan, upang mangyari ang gaya sa araw na ito, upang mapanatiling buhay ang napakaraming tao. Kaya't huwag kayo ngayong matakot; pakakainin ko kayo at ang inyong mga anak." Kanya silang inaliw at nagsalitang may kabaitan sa kanila. Si Jose ay nanirahan sa Ehipto, siya at ang sambahayan ng kanyang ama; at si Jose ay nabuhay ng isandaan at sampung taon. Nakita ni Jose ang mga anak ni Efraim hanggang sa ikatlong salinlahi; gayundin ang mga anak ni Makir na anak ni Manases ay ipinanganak sa mga tuhod ni Jose. At sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid, "Ako'y malapit nang mamatay; ngunit kayo'y tiyak na dadalawin ng Diyos, at dadalhin kayo mula sa lupaing ito hanggang sa lupain na kanyang ipinangako kina Abraham, Isaac at Jacob." Pagkatapos ay pinanumpa ni Jose ang mga anak ni Israel, na sinasabi, "Kapag dinalaw kayo ng Diyos, dadalhin ninyo ang aking mga buto mula rito." Kaya't namatay si Jose sa gulang na isandaan at sampung taon; at kanilang inembalsamo siya, at siya'y inilagay sa isang kabaong sa Ehipto. lto ang mga pangalan ng mga anak ni Israel na dumating sa Ehipto kasama si Jacob; bawat isa ay kasama ang kanya-kanyang sambahayan: sina Ruben, Simeon, Levi, Juda, Isacar, Zebulon, Benjamin, Dan, Neftali, Gad, at Aser. Lahat ng taong nagmula sa balakang ni Jacob ay pitumpung katao,a at si Jose ay nasa Ehipto na. Namatay si Jose at ang lahat ng kanyang mga kapatid at ang buong salinlahing iyon. Ang mga anak ni Israel ay lumago at nadagdagang mabuti; sila'y dumami at naging napakalakas kaya't ang lupain ay napuno nila. At may bumangong isang bagong hari sa Ehipto na hindi kilala si Jose. Sinabi niya sa kanyang bayan, "Tingnan ninyo, ang sambayanan ng mga anak ni Israel ay mas marami at higit na malakas kaysa atin. Halikayo, pakitunguhan natin sila nang may katusuhan, baka sila'y dumami at mangyari na kapag nagkaroon ng digmaan ay umanib sila sa ating mga kaaway, lumaban sa atin, at umalis sa lupain." Kaya't naglagay sila ng mga tagapangasiwa upang pahirapan sila sa kanilang mga sapilitang paggawa, Kanilang ipinagtayo si Faraon ng mga lunsod imbakan, ang Pitom at Rameses. Subalit habang kanilang pinahihirapan sila, lalo silang dumarami at lalong lumalaganap. At kinasukla nila ang mga anak ni Israel. Malupit na pinapaglingkod ng mga Ehipcio ang mga anak ni Israel; at kanilang pinapait ang kanilang buhay sa pamamagitan ng mahirap na paglilingkod, sa luwad at sa tisa, at sa lahat ng uri ng gawain sa bukid; at sa lahat ng kanilang gawain ay malupit silang pinapaglingkod. Ang hari ng Ehipto ay nagsalita sa mga hilot na mga Hebrea, na ang pangalan ng isa ay Sifra, at ang pangalan ng ikalawa ay Pua. Kanyang sinabi, "Paghilot ninyo sa mga babaing Hebrea at pagtingin ninyo sa kanila sa upuang panganganakan, kung lalaki ay papatayin ninyo; ngunit kung babae ay mabubuhay ito. Subalit ang mga hilot ay natakot sa Diyos at hindi nila ginawa ang gaya nang iniutos sa kanila ng hari ng Ehipto, kundi hinayaan nilang mabuhay ang mga batang lalaki. >*** Ipinatawag ng hari ng Ehipto ang mga hilot at sinabi sa kanila, "Bakit ninyo ginawa ang bagay na ito at hinayaan ninyong mabuhay ang mga batang lalaki?" Sinabi ng mga hilot sa Faraon, "Sapagkat ang mga babaing Hebrea ay hindi gaya ng mga babaing Ehipcia. Sila'y malalakas at nakapanganak na bago dumating ang hilot sa kanila." Kaya't ang Diyos ay naging mabuti sa mga hilot; at ang taong-bayan ay dumami at naging napakalakas. Dahil ang mga hilot ay natakot sa Diyos, kanyang binigyan sila ng mga sambahayan. Pagkatapos, iniutos ni Faraon sa kanyang buong bayan, "Itatapon ninyo sa ilog ang bawat lalaking ipanganak ngunit bawat babae ay hayaan ninyong mabuhay." May isang lalaki sa lipi ni Levi na humayo at nag-asawa ng isang anak na babae ni Levi. Ang babae ay naglihi at nanganak ng isang lalaki. Nang kanyang makita na ito ay maganda, kanyang itinago ito ng tatlong buwan. Nang hindi na niya ito maitago pa, ikinuha niya ito ng isang basket na yari sa papiro, at pinahiran niya ng betun at alkitran. Kanyang isinilid ang bata roon at inilagay sa talahiban sa tabing ilog. lumayo sa malayo ang kanyang kapatid na babae upang malaman ang mangyayari sa bata. Noon, ang anak na babae ni Faraon ay lumusong upang maligo sa ilog, at naglakad ang kanyang mga alalay na babae sa tabi ng ilog. Kanyang nakita ang basket sa talahiban at ipinakuha sa kanyang alalay. Nang kanyang buksan ito, nakita niya ang bata; at narito, ang sanggol ay umiyak. At kanyang kinaawaan siya at sinabi, "Ito'y isa sa mga anak ng mga Hebreo." Nang magkagayo'y sinabi ng kanyang kapatid na babae sa anak ng Faraon, "Aalis ba ako upang itawag kita ng isang tagapag-alaga mula sa mga babaing Hebrea na mag-aalaga ng bata para sa iyo?" Sinabi sa kanya ng anak ng Faraon, "Umalis ka." Ang batang babae ay umalis at tinawag ang ina ng bata. Sinabi ng anak ng Faraon sa kanya, "Dalhin mo ang batang ito at alagaan mo para sa akin at uupahan kita." Kaya't kinuha ng babae ang bata at inalagaan ito. Ang bata ay lumaki at kanyang dinala ito sa anak ng Faraon, at ito'y naging kanyang anak. Kanyang pinangalanan siyang Moises. dahil sinabi niya, "Sapagkat aking iniahon siya sa tubig." Nang mga araw na iyon, nang malaki na si Moises, nagtungo siya sa kanyang mga kapatid, at nakita ang kanilang sapilitang paggawa. Kanyang nakita ang isang Ehipcio na binubugbog ang isang Hebreo na isa sa kanyang mga kapatid. Siya'y tumingin sa magkabi-kabilang dako at nang siya'y walang makitang tao, kanyang pinatay ang Ehipcio at kanyang itinago sa buhanginan. Nang siya'y lumabas nang sumunod na araw, may dalawang lalaking Hebreo na naglalaban; at kanyang sinabi sa gumawa ng masama, "Bakit mo sinasaktan ang iyong kasama?" Sinabi niya, "Sinong naglagay sa iyo bilang pinuno at hukom sa amin? Iniisip mo bang patayin ako, gaya nang pagpatay mo sa Ehipcio?" Natakot si Moises at kanyang inisip, 'Tiyak na ang bagay na ito ay alam na." Nang mabalitaan ng Faraon ang bagay na ito, ninais niyang patayin si Moises. Subalit si Moises ay tumakas mula kay Faraon at nanirahan sa lupain ng Midian. Siya'y umupo sa tabi ng isang balon. Ang pari noon sa Midian ay may pitong anak na babae. Sila'y dumating at umigib ng tubig at kanilang pinuno ang mga inuman upang painumin ang kawan ng kanilang ama. Ang mga pastol ay dumating at sila'y ipinagtabuyan; ngunit si Moises ay tumindig at sila'y ipinagtanggol, at pinainom ang kanilang kawan. Nang sila'y dumating kay Reuel na kanilang ama ay sinabi nito, "Bakit napakadali ninyong dumating ngayon?" Kanilang sinabi, "Iniligtas kami ng isang Ehipcio mula sa kamay ng mga pastol at saka iniigib pa niya kami ng tubig at pinainom ang kawan." Sinabi niya sa kanyang mga anak, "Saan siya naroon? Bakit ninyo iniwan ang lalaking iyon? Tawagin ninyo siya upang makakain ng tinapay." Si Moises ay nasiyahang makitira sa lalaking iyon at kanyang ibinigay kay Moises si Zifora na kanyang anak na babae. Nanganak siya ng isang lalaki at kanyang pinangalanang Gershom sapagkat sinabi ni Moises, "Ako'y manlalakbay sa ibang lupain." Pagkaraan ng maraming araw, ang hari ng Ehipto ay namatay. Ang bayang Israel ay dumaing dahil sa pagkaalipin at sila'y humingi ng tulong. Ang kanilang daing dahil sa pagkaalipin ay nakarating sa Diyos. Narinig ng Diyos ang kanilang daing at naalala ng Diyos ang kanyang tipan kina Abraham, Isaac, at Jacob. At tiningnan ng Diyos ang mga anak ni Israel at nalaman ng Diyos ang kanilang kalagayan. Noon ay inaalagaan ni Moises ang kawan ni Jetro na kanyang biyenan na pari sa Midian; kanyang pinatnubayan ang kawan sa kabila ng ilang at nakarating sa bundok ng Diyos, sa Horeb. Ang anghel ng PANGINOON ay nagpakita sa kanya sa isang ningas ng apoy na mula sa gitna ng isang mababang punungkahoy. Siya'y nagmasid at ang punungkahoy ay nagliliyab ngunit ito'y hindi nasusunog. Sinabi ni Moises, "Ako'y pupunta sa kabila at titingnan ko itong dakilang panooring ito, kung bakit ang punungkahoy ay hindi nasusunog." Nang makita ng PANGINOON na siya'y pumunta sa kabila upang tumingin ay tinawag siya ng Diyos mula sa gitna ng mababang punungkahoy, "Moises, Moises." Sumagot siya, "Narito ako." Kanyang sinabi, "Huwag kang lumapit dito. Hubarin mo ang sandalyas sa iyong mga paa sapagkat ang dakong iyong kinatatayuan ay banal nalupa." Sinabi pa niya, "Ako ang Diyos ng iyong ama, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob." Si Moises ay nagtakip ng kanyang mukha sapagkat siya'y natakot na tumingin sa Diyos. Sinabi ng PANGINOON, 'Aking nakita ang paghihirap ng aking bayan na nasa Ehipto at aking narinig ang kanilang daing dahil sa mga umaapi sa kanila. Talagang nalalaman ko ang kanilang pagdurusa. Ako'y bumaba upang iligtas sila mula sa kamay ng mga Ehipcio at upang sila'y dalhin sa isang mabuting lupain at malawak, mula sa lupaing iyon, sa isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, sa lugar ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Heveo at Jebuseo. At ngayon, ang daing ng mga anak ni Israel ay nakarating sa akin, at nakita ko rin ang pang-aapi na ginawa sa kanila ng mga Ehipcio. Halika, ikaw ay aking susuguin kay Faraon upang iyong ilabas sa Ehipto ang aking bayan, ang mga anak ni Israel. Sinabi ni Moises sa Diyos, "Sino ako upang pumaroon kay Faraon at upang ilabas sa Ehipto ang mga anak ni Israel?" Kanyang sinabi, "Ako'y makakasama mo; at ito'y magiging tanda sa iyo na ikaw ay aking sinugo: kapag iyong nailabas na sa Ehipto ang bayan, sasambahin ninyo ang Diyos sa bundok na ito." Ngunit sinabi ni Moises sa Diyos, "Pagdating ko sa mga anak ni Israel at sasabihin ko sa kanila, 'Sinugo ako sa inyo ng Diyos ng inyong mga ninuno,' at sasabihin nila sa akin, 'Ano ang kanyang pangalan?' Anong sasabihin ko sa kanila?" Sinabi ng Diyos kay Moises, "AKO AY ANG AKO NGA." At kanyang sinabi, "Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, 'Sinugo ako sa inyo ni AKO NGA.'" Sinabi pa ng Diyos kay Moises, "Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel, 'Sinugo ako sa inyo ng PANGINOON, ang Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos hi Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob.' Ito ang aking pangalan magpakailanman at ito ang itatawag sa akin ng lahat ng mga lahi. Humayo ka at tipunin mo ang matatanda sa Israel at sabihin mo sa kanila, 'Ang PANGINOON, ang Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac, at Jacob ay nagpakita sa akin, na nagsasabi, "Tunay na kayo'y aking dinalaw at aking nakita ang ginagawa sa inyo sa Ehipto. At aking sinabi, aking aalisin kayo sa kapighatian sa Ehipto at dadalhin ko kayo sa lupain ng Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Heveo, at ng Jebuseo, sa isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot."' Kanilang papakinggan ang iyong tinig. Ikaw at ang matatanda sa Israel ay pupunta sa hari ng Ehipto, at inyong sasabihin sa kanya, 'Ang PANGINOON, ang Diyos ng mga Hebreo ay nakipagtagpo sa amin at ngayo'y pahintulutan mo kami na maglakbay ng tatlong araw sa ilang. Nais naming makapaghandog sa PANGINOON naming Diyos.' Alam ko na hindi kayo papahintulutan ng hari ng Ehipto na umalis maliban sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay. Kaya't aking iuunat ang aking kamay at sasaktan ko ang Ehipto sa pamamagitan ng lahat kong kababalaghan na aking gagawin sa gitna niyon at pagkatapos, papahintulutan niya kayong umalis. Pagkakalooban ko ang bayang ito ng biyaya sa paningin ng mga Ehipcio at sa pag-alis ninyo ay hindi kayo aalis na walang dala. Bawat babae ay hihingi sa kanyang kapwa at ang dayuhan sa kanyang bahay ng mga hiyas na pilak, mga hiyas na ginto at mga damit, at inyong ipapasuot sa inyong mga anak na lalaki at babae. Sa ganito ay inyong sasamsaman ang mga Ehipcio." Si Moises ay sumagot at nagsabi, "Ngunit hindi nila ako papaniwalaan o papakinggan man sapagkat kanilang sasabihin, 'Ang PANGINOON ay hindi nagpakita sa iyo.'" Sinabi naman sa kanya ng PANGINOON, "Ano iyang nasa iyong kamay?" Kanyang sinabi, "Isang tungkod." Kanyang sinabi, "Ihagis mo sa lupa." Kanyang inihagis ito sa lupa at ito'y naging isang ahas. Si Moises ay lumayo sa ahas. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Iunat mo ang iyong kamay at hawakan mo sa buntot." Kanyang iniunat ang kanyang kamay, kanyang hinawakan, at naging isang tungkod sa kanyang kamay. "Nangyari ito upang sila'y maniwala na ang PANGINOON, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob ay nagpakita sa iyo." Sinabi pa sa kanya ng PANGINOON, "Ipasok mo ang iyong kamay sa iyong dibdib." Kanyang ipinasok ang kamay niya sa kanyang dibdib at nang kanyang ilabas, ang kanyang kamay ay ketongin, maputing parang niyebe. Sinabi ng Diyos, "Ipasok mo uli ang iyong kamay sa iyong dibdib." Kanyang muling ipinasok ang kamay niya sa kanyang dibdib at nang kanyang ilabas sa kanyang dibdib, nanumbalik ito gaya ng iba niyang laman. "Kung sila'y hindi maniwala sa iyo, ni makinig sa unang tanda, kanilang paniniwalaan ang huling tanda. Kung sila'y hindi maniwala sa dalawang tandang ito, ni hindi makinig sa iyo, kukuha ka ng tubig mula sa Nilo at iyong ibubuhos sa tuyong lupa. At ang tubig na iyong kukunin mula sa Nilo ay magiging dugo sa tuyong lupa." Ngunit sinabi ni Moises sa PANGINOON, "O Panginoon, ako'y hindi mahusay magsalita, mula pa noon o kahit na mula nang magsalita ka sa iyong lingkod; sapagkat ako'y makupad sa pananalita at umid ang dila." Sinabi sa kanyang PANGINOON, "Sino bang gumawa ng bibig ng tao? O sinong gumagawa ng pipi, o bingi, o may paningin, o bulag sa tao? Hindi ba akong PANGINOON? Kaya ngayon ay humayo ka, ako'y sasaiyong bibig at ituturo ko sa iyo kung ano ang iyong sasabihin." Ngunit kanyang sinabi, "O Panginoon, iba na ang iyong suguin." Ang galit ng PANGINOON ay nag-alab laban kay Moises at kanyang sinabi, "Wala ba si Aaron, ang kapatid mong Levita? Alam kong siya'y nakakapagsalitang mabuti. Siya'y dumarating upang salubungin ka. Pagkakita niya sa iyo ay matutuwa ang kanyang puso. Ikaw ay magsasalita sa kanya at iyong ilalagay sa kanyang bibig ang mga salita; at ako'y sasaiyong bibig at sasakanyang bibig. Aking ituturo sa inyo kung ano ang inyong gagawin. Siya ang magiging tagapag-salita mo sa mga tao; siya'y magiging bibig para sa iyo at ikaw ay magiging parang Diyos sa kanya. Dadalhin mo sa iyong kamay ang tungkod na ito na gagamitin mo sa paggawa ng mga tanda." Si Moises ay bumalik kay Jetro na kanyang biyenan at nagsabi sa kanya, "Pahintulutan mo akong bumalik sa aking mga kapatid sa Ehipto at titingnan ko kung sila'y buhay pa." Sinabi ni Jetro kay Moises, "Humayo kang payapa." Sinabi ng PANGINOON kay Moises sa Midian, "Humayo ka, bumalik ka sa Ehipto; sapagkat patay na ang lahat ng tao na nagtatangka sa iyong buhay." Kaya't isinama ni Moises ang kanyang asawa at ang kanyang mga anak; kanyang pinasakay sila sa isang asno at siya'y bumalik sa lupain ng Ehipto. Dinala ni Moises ang tungkod ng Diyos sa kanyang kamay. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Pagkabalik mo sa Ehipto, iyong gawin sa harap ng Faraon ang lahat ng kababalaghan na aking ipinagkatiwala sa iyong kamay. Ngunit aking papatigasin ang kanyang puso at hindi niya papayagang umalis ang bayan. Iyong sasabihin sa Faraon, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON, ang Israel ang aking panganay na anak, at aking sinasabi sa iyo, "Pahintulutan mong umalis ang aking anak upang siya'y makasamba sa akin." Kung ayaw mo siyang paalisin, aking papatayin ang iyong anak na panganay' " Sa daan,sa isang lugar na pinagpalipasan nila ng gabi, sinalubong siya ng PANGINOON at tinangka siyang patayin. Ngunit kumuha si Zifora ng isang batong matalim, pinutol ang balat sa ari ng kanyang anak na lalaki at ipinahid sa mga paa ni Moises. Kanyang sinabi, "Tunay na ikaw ay isang asawa sa dugo sa akin." Sa gayo'y kanyang binitiwan siya. Nang magkagayo'y kanyang sinabi, "Ikaw ay isang asawa sa dugo sa akin, sa pamamagitan ng pagtutuli." Sinabi ng PANGINOON kay Aaron, "Pumaroon ka sa ilang upang salubungin si Moises." Siya'y pumaroon at kanyang nasalubong si Moises sa bundok ng Diyos, at kanyang hinagkan ito. Isinalaysay ni Moises kay Aaron ang lahat ng salita ng PANGINOON na ipinagbilin sa kanya na sabihin, at ang lahat ng mga tandang ipinagbilin sa kanyang gawin. Sina Moises at Aaron ay naparoon at tinipon ang lahat ng matatanda sa mga anak ni Israel. Sinabi ni Aaron ang lahat ng salita na sinabi ng PANGINOON kay Moises at ginawa ang mga tanda sa harap ng taong-bayan. Ang taong-bayan ay naniwala at nang kanilang marinig na dinalaw ng PANGINOON ang mga anak ni Israel at kanyang nakita ang kanilang paghihirap, sila'y yumukod at sumamba. Pagkatapos nito, si Moises at si Aaron ay pumunta kay Faraon at sinabi, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel, 'Hayaan mong umalis ang aking bayan upang magdiwang sila ng kapistahan sa ilang para sa akin. " Ngunit sinabi ni Faraon, "Sino ang PANGINOON na aking papakinggan ang kanyang tinig, upang pahintulutan kong umalis ang Israel? Hindi ko kilala ang PANGINOON at saka hindi ko papahintulutang umalis ang Israel." Kanilang sinabi, "Ang Diyos ng mga Hebreo ay nakipagtagpo sa amin. Ipinapakiusap namin sa iyo, pahintulutan mo kaming maglakbay ng tatlong araw sa ilang at mag-alay sa PANGINOON naming Diyos, kung hindi ay darating siya sa amin na may salot o tabak." Ngunit sinabi sa kanila ng hari ng Ehipto, "Moises at Aaron, bakit ninyo inilalayo ang bayan sa kanilang mga gawain? Pumaroon kayo sa inyong mga gawain." Sinabi ni Faraon, "Ang mga tao sa lupain ay marami na ngayon, at inyong pinapapagpahinga sila sa kanilang mga gawain!" Nang araw ding iyon ay iniutos ng Faraon sa mga tagapangasiwa sa mga tao at sa kanilang mga kapatas, "Huwag na ninyong bibigyan ang mga tao ng dayami sa paggawa ng tisa, na gaya ng dati. Sila ang pumaroon at magtipon ng dayami para sa kanilang sarili. Ngunit ang bilang ng mga tisa na kanilang dating ginagawa ay siya rin ninyong iaatang sa kanila. Wala kayong babawasin sapagkat sila'y mga tamad. Kaya't sila'y dumadaing na nagsasabi, 'Hayaan mo kaming umalis at maghandog sa aming Diyos.' Lalo ninyong pabigatin ang gawain ng mga lalaki upang kanilang pagpagalan at huwag nilang pansinin ang mga kabulaanang salita." Kaya't ang mga tagapangasiwa at kapatas ng mga tao ay lumabas at kanilang sinabi sa bayan, "Ganito ang sabi ni Faraon, 'Hindi ko kayo bibigyan ng dayami. Humayo kayo mismo, kumuha kayo ng dayami kung saan kayo makakakita ngunit walang babawasin kaunti man sa inyong gawain.'" Kaya't ang bayan ay naghiwa-hiwalay sa buong lupain ng Ehipto upang maghanap ng pinagputulan ng trigo na panghalili sa dayami. Pinagmamadali sila ng mga tagapangasiwa na sinasabi, "Tapusin ninyo ang inyong mga gawa, ang inyong gawain sa araw-araw na gaya nang mayroon kayong dayami." Hinampas sila ng mga kapatas sa mga anak ni Israel na itinalaga sa kanila ng mga tagapangasiwa ni Faraon at sila'y tinanong, "Bakit hindi ninyo tinapos ang inyong gawain kahapon at ngayon sa paggawa ng tisa, na gaya ng dati?" Nang magkagayo'y ang mga kapatas sa mga anak ni Israel ay naparoon at dumaing kay Faraon, "Bakit mo ginaganito ang iyong mga alipin? Walang dayaming ibinibigay sa iyong mga alipin at kanilang sinasabi sa amin, 'Gumawa kayo ng tisa!' Ang iyong mga alipin ay hinahampas ngunit nasa iyong sariling bayan ang kasalanan." Subalit kanyang sinabi, "Kayo'y mga tamad, kayo'y mga tamad! Kaya't inyong sinasabi, 'Hayaan mo kaming umalis at maghandog sa PANGINOON:' Kayo nga'y umalis ngayon at magtrabaho sapagkat walang dayaming ibibigay sa inyo, gayunma'y gagawin ninyo ang gayunding bilang ng mga tisa." Nakita ng mga pinuno ng mga anak ni Israel na napasama ang kanilang kalagayan nang sabihin sa kanila, "Walang mababawas na anuman sa inyong mga tisa sa araw-araw." Pagkagaling nila kay Faraon, pumunta sila kina Moises at Aaron na naghihintay na makatagpo sila. Sinabi nila sa kanila, "Kayo nawa'y tingnan ng PANGINOON at hatulan! Ang aming katayuan ay ginawa ninyong nakakamuhi sa mga mata ni Faraon at sa kanyang mga lingkod, na naglagay ng tabak sa kanilang kamay upang kami ay patayin." Si Moises ay bumalik sa PANGINOON at nagsabi, "PANGINOON, bakit mo ginawan ng masama ang bayang ito? Bakit mo pa ako isinugo? Mula nang ako'y pumaroon kay Faraon upang magsalita sa iyong pangalan ay kanyang ginawan ng kasamaan ang bayang ito at hindi mo man lamang iniligtas ang iyong bayan." Subalit sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Ngayo'y makikita mo kung ano ang gagawin ko kay Faraon, sapagkat sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay ay kanyang paaalisin sila, at sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay ay kanyang palalayasin sila sa kanyang lupain." Sinabi ng Diyos kay Moises, "Ako ang PANGINOON. Ako'y nagpakita kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob bilang Diyos na Makapangyarihan sa lahat; ngunit hindi ako nagpakilala sa kanila sa pamamagitan ng aking pangalang 'Ang PANGINOON'. Akin ding itinatag ang aking tipan sa kanila na ibibigay ko sa kanila ang lupain ng Canaan, ang lupain na kung saan sila'y nakipanirahan. Bukod dito'y aking narinig ang daing ng mga anak ni Israel na inaalipin ng mga Ehipcio at aking naalala ang aking tipan. Kaya't sabihin mo sa mga anak ni Israel, Ako ang PANGINOON at aking ilalabas kayo sa ilalim ng mga pasanin ng mga Ehipcio, at aking hahanguin kayo sa pagkaalipin sa kanila, at aking tutubusin kayo na may nakaunat na kamay at may mga dakilang kahatulan. Kayo'y aking aariing aking bayan at ako'y magiging Diyos ninyo at inyong malalaman na ako'y PANGINOON ninyong Diyos na nagpalaya sa inyo sa pagpapahirap ng mga Ehipcio. Dadalhin ko kayo sa lupain na aking ipinangakong ibibigay kina Abraham, Isaac, at Jacob; at aking ibibigay ito sa inyo bilang pamana. Ako ang PANGINOON.'" Gayon ang sinabi ni Moises sa mga anak ni Israel; subalit hindi sila nakinig kay Moises dahil sa panlulupaypay at sa malupit na pagkaalipin. Ang PANGINOON ay nagsalita kay Moises, "Pumasok ka, sabihin mo kay Faraon na hari ng Ehipto na kanyang pahintulutang umalis sa lupain niya ang mga anak ni Israel." Ngunit si Moises ay nagsalita sa PANGINOON, "Ang mga anak ni Israel ay hindi nakinig sa akin; paano ngang makikinig si Faraon sa akin, ako na isang di-mahusay na tagapagsalita?" Subalit ang PANGINOON ay nagsalita kay Moises at kay Aaron, at pinagbilinan sila tungkol sa mga anak ni Israel, at kay Faraon na hari ng Ehipto, upang ilabas ang mga anak ni Israel sa lupain ng Ehipto. Ito ang mga puno sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno: ang mga anak ni Ruben na panganay ni Israel: si Hanoc, si Fallu, si Hesron, at si Carmi. Ito ang mga angkan ni Ruben. Ang mga anak ni Simeon: si Jemuel, si Jamin, si Ohad, si Jakin, si Zohar, at si Shaul na anak sa isang babaing taga-Canaan; ito ang mga angkan ni Simeon. Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Levi ayon sa kanilang salinlahi: si Gershon, si Kohat, at si Merari, at ang mga naging taon ng buhay ni Levi ay isang daan at tatlumpu't pitong taon. Ang mga anak ni Gershon: sina Libni at Shimei, ayon sa kani-kanilang angkan. Ang mga anak ni Kohat: sina Amram, Izar, Hebron, at Uziel, ang mga naging taon ng buhay ni Kohat ay isang daan at tatlumpu't tatlong taon. Ang mga anak ni Merari: sina Mahli at Musi. Ito ang mga sambahayan ng mga Levita ayon sa kanilang salinlahi. Naging asawa ni Amram si Jokebed na kapatid na babae ng kanyang ama, at ipinanganak nito sa kanya si Aaron at si Moises, at ang mga naging taon ng buhay ni Amram ay isang daan at tatlumpu't pitong taon. Ang mga anak ni Izar: si Kora, si Nefeg, at si Zicri. Ang mga anak ni Uziel: sina Misael, Elzafan, at Sitri. Naging asawa ni Aaron si Eliseba, na anak ni Aminadab, na kapatid na babae ni Naashon; at ipinanganak nito sa kanya sina Nadab, Abihu, Eleazar, at Itamar. Ang mga anak ni Kora: sina Asir, Elkana, at Abiasaf; ito ang mga angkan ng mga Korahita. Si Eleazar na anak ni Aaron ay nakapag-asawa sa isa sa mga anak ni Putiel; at ipinanganak nito si Finehas. Ito ang mga ulo sa mga sambahayan ng mga ama ng mga Levita ayon sa kanilang mga angkan. Ang mga ito'y ang Aaron at Moises na siyang pinagbilinan ng PANGINOON: "Ilabas ninyo ang mga anak ni Israel sa lupain ng Ehipto ayon sa kanilang mga hukbo." Sila ang mga nagsalita kay Faraon na hari ng Ehipto, upang ilabas ang mga anak ni Israel sa Ehipto, ang Moises at ang Aaron na ito. At nang araw na magsalita ang PANGINOON kay Moises sa lupain ng Ehipto, nagsalita ang PANGINOON kay Moises, "Ako ang PANGINOON; sabihin mo kay Faraon na hari ng Ehipto ang lahat ng aking sinasabi sa iyo." Ngunit sinabi ni Moises sa PANGINOON, "Yamang ako'y di-mahusay magsalita, bakit makikinig si Faraon sa akin?" Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Tingnan mo, ginawa kita bilang Diyos kay Faraon, at si Aaron na iyong kapatid ay magiging iyong propeta. Iyong sasabihin ang lahat ng aking iniuutos sa iyo; at sasabihin kay Faraon ni Aaron na iyong kapatid upang pahintulutan ang mga anak ni Israel na lumabas sa kanyang lupain. Subalit aking papatigasin ang puso ni Faraon at aking pararamihin ang aking mga tanda at mga kababalaghan sa lupain ng Ehipto. Ngunit si Faraon ay hindi makikinig sa inyo at aking ipapatong sa Ehipto ang aking kamay at ilalabas ko ang aking mga hukbo, ang aking bayan, na mga anak ni Israel, sa lupang Ehipto sa pamamagitan ng mga dakilang gawa ng paghatol. Malalaman ng mga Ehipcio na ako ang PANGINOON, kapag iniunat ko sa Ehipto ang aking kamay, at inilabas ko ang mga anak ni Israel mula sa kanila." Gayon ang ginawa ni Moises at ni Aaron; kung ano ang iniutos ng PANGINOON sa kanila ay gayon ang ginawa nila. Si Moises noon ay walumpung taong gulang at si Aaron ay walumpu't tatlong taong gulang nang sila'y makipag-usap kay Faraon. Nagsalita ang PANGINOON kina Moises at Aaron, "Kapag sinabi ni Faraon sa inyo, 'Patunayan ninyo ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng kababalaghan;' at iyo ngang sasabihin kay Aaron, 'Kunin mo ang iyong tungkod at ihagis mo sa harap ni Faraon, upang ito'y maging isang ahas.'" Kaya't sina Moises at Aaron ay pumunta kay Faraon at kanilang ginawa ang ayon sa iniutos ng PANGINOON. Inihagis ni Aaron ang kanyang tungkod sa harap ni Faraon at ng kanyang mga lingkod at ito'y naging ahas. Nang magkagayo'y ipinatawag naman ni Faraon ang mga pantas at ang mga manggagaway, at ang mga salamangkero sa Ehipto ay gumawa ng gayundin ayon sa kanilang mga lihim na kaalaman. Inihagis ng bawat isa ang kanya-kanyang tungkod at naging mga ahas. Ngunit nilamon ng tungkod ni Aaron ang mga tungkod nila. Ang puso ni Faraon ay nagmatigas pa rin, at hindi niya pinakinggan sila gaya ng sinabi ng PANGINOON. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Ang puso ni Faraon ay nagmamatigas, ayaw niyang paalisin ang bayan. Pumunta ka kay Faraon kinaumagahan habang siya'y patungo sa tubig. Tumayo ka sa tabi ng ilog upang harapin siya, at ang tungkod na naging ahas ay hawakan mo. Sasabihin mo sa kanya, 'Sinugo ako sa iyo ng PANGINOON, ang Diyos ng mga Hebreo, na sinasabi, "Payagan mong umalis ang aking bayan, upang sila'y makasamba sa akin sa ilang." Ngunit hanggang ngayon hindi mo pa tinutupad.' Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON, "Sa pamamagitan nito ay makikilala mo na ako ang PANGINOON." Tingnan mo, aking hahampasin ng tungkod na nasa aking kamay ang tubig na nasa ilog at ito'y magigingdugo. Ang mga isda na nasa ilog ay mamamatay, ang ilog ay babaho, at ang mga Ehipcio ay mandidiring uminom ng tubig sa Nilo.' " Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Sabihin mo kay Aaron, 'Kunin mo ang iyong tungkod at iunat mo ang iyong kamay sa tubig sa Ehipto, sa kanilang mga ilog, sa kanilang mga bambang, at sa kanilang mga lawa at sa lahat nilang tipunan ng tubig, upang maging dugo ang mga ito; at magkakaroon ng dugo sa buong lupain ng Ehipto, maging sa mga sisidlang kahoy at maging sa mga sisidlang bato.' " Gayon ang ginawa nina Moises at Aaron, gaya ng iniutos ng PANGINOON. Kanyang itinaas ang tungkod at hinampas ang tubig na nasa ilog, sa paningin ni Faraon at ng kanyang mga lingkod, at ang lahat ng tubig na nasa ilog ay naging dugo. Ang mga isda sa ilog ay namatay at ang ilog ay bumaho at ang mga Ehipcio ay hindi makainom ng tubig sa ilog; at nagkaroon ng dugo sa buong lupain ng Ehipto. Subalit ang mga salamangkero sa Ehipto ay gumawa ng gayundin sa pamamagitan ng kanilang mga lihim na kaalaman. Ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at ayaw niyang pakinggan sila, gaya ng sinabi ng PANGINOON. Si Faraon ay tumalikod at umuwi sa kanyang bahay, na hindi man lamang niya inilagay ito sa kanyang puso. Lahat ng mga Ehipcio ay humukay sa palibot ng ilog upang makakuha ng tubig na maiinom, sapagkat hindi nila mainom ang tubig sa ilog. Pitong araw ang lumipas pagkatapos na hampasin ng PANGINOON ang ilog. Pagkatapos, sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Pumunta ka kay Faraon at sabihin mo sa kanya, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON: Pahintulutan mong umalis ang aking bayan, upang sila'y makasamba sa akin. Kung ayaw mo silang paalisin, aking sasalutin ng mga palaka ang iyong buong lupain. Ang ilog ay mapupuno ng mga palaka na aahon at papasok sa iyong bahay, tulugan, higaan, sa bahay ng iyong mga lingkod, sa iyong bayan, mga hurno, at sa iyong mga masahan ng tinapay. Aakyatin ka ng mga palaka at ang iyong bayan, at ang lahat ng iyong mga lingkod.'" Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Sabihin mo kay Aaron, 'Iunat mo ang iyong kamay na hawak ang iyong tungkod sa mga ilog, sa mga bambang, sa mga lawa, at magpaahon ka ng mga palaka sa lupain ng Ehipto!'" Iniunat ni Aaron ang kanyang kamay sa tubig sa Ehipto at ang mga palaka ay nag-ahunan at tinakpan ang lupain ng Ehipto. Ngunit ang mga salamangkero ay gumawa ng gayundin sa pamamagitan ng kanilang mga lihim na karunungan at nagpaahon ng mga palaka sa lupain ng Ehipto. Nang magkagayo'y tinawag ni Faraon sina Moises at Aaron at sinabi, "Pakiusapan ninyo ang PANGINOON na alisin ang mga palaka sa akin at sa aking bayan, at aking papayagang umalis ang bayan upang sila'y makapaghandog sa PANGINOON." Sinabi ni Moises kay Faraon, "Pakisabi mo sa akin kung kailan ako makikiusap para sa iyo, sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan upang ang mga palaka ay maalis mula sa iyo at sa inyong mga bahay, at manatili na lamang sa Nilo." Kanyang sinabi, "Bukas." Sinabi ni Moises, "Mangyayari ayon sa iyong salita upang iyong malaman na walang tulad ng PANGINOON naming Diyos. Ang mga palaka ay aalis sa iyo at sa iyong mga bahay, sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan; mananatili na lamang sila sa Nilo." Kaya't sina Moises at Aaron ay umalis sa harapan ni Faraon; at si Moises ay nanawagan sa PANGINOON tungkol sa mga palaka na kanyang dinala kay Faraon. Ginawa ng PANGINOON ang ayon sa salita ni Moises; at ang mga palaka ay namatay sa mga bahay, sa mga looban at sa mga kabukiran. Kanilang tinipon ang mga ito nang buntun-bunton at ang lupain ay bumaho. Ngunit nang makita ni Faraon na nagkaroon ng sandaling ginhawa, pinagmatigas niya ang kanyang puso, at hindi niya dininig sila, gaya ng sinabi ng PANGINOON. Pagkatapos, sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Sabihin mo kay Aaron; 'Iunat mo ang iyong tungkod, at hampasin mo ang alabok ng lupa, upang ito ay maging mga kuto sa buong lupain ng Ehipto.'" Gayon ang ginawa nila. Iniunat ni Aaron ang kanyang kamay hawak ang kanyang tungkod, at hinampas ang alabok ng lupa, at nagkaroon ng kuto sa tao at sa hayop. Ang lahat ng alabok ng lupa ay naging mga kuto sa buong lupain ng Ehipto. Ang mga salamangkero ay nag-sikap sa pamamagitan ng kanilang mga lihim na kaalaman na magpalabas ng mga kuto, ngunit hindi nila nagawa. Kaya't nagkaroon ng kuto sa tao at sa hayop. Nang magkagayo'y sinabi ng mga salamangkero sa Faraon, "Ito ay daliri ng Diyos." Ngunit ang puso ni Faraon ay nagmatigas at hindi niya pinakinggan sila, gaya ng sinabi ng PANGINOON. Pagkatapos ay sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Bumangon ka nang maaga sa kinaumagahan, at tumayo ka sa harapan ni Faraon habang siya ay patungo sa tubig, at sabihin mo sa kanya, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON, "Pahintulutan mong umalis ang aking bayan upang sila'y makasamba sa akin. Sapagkat kung hindi mo papayagang umalis ang aking bayan ay magsusugo ako ng pulu-pulutong na langaw sa iyo, sa iyong mga lingkod, sa iyong bayan, at sa loob ng inyong mga bahay. Ang mga bahay ng mga Ehipcio ay mapupuno ng pulu-pulutong na langaw, at gayundin ang lupang kinaroroonan nila. Subalit aking ibubukod sa araw na iyon ang lupain ng Gosen na tinitirhan ng aking bayan, upang huwag magkaroon doon ng pulu-pulutong na langaw, upang iyong malaman na ako ang PANGINOON sa lupaing ito. Lalagyan ko ng pagkakaiba ang aking bayan at ang iyong bayan. Kinabukasan, mangyayari ang tandang ito." Gayon ang ginawa ng PANGINOON, at pumasok ang pulu-pulutong na langaw sa bahay ng Faraon, sa bahay ng kanyang mga lingkod; at sa buong lupain ng Ehipto ay nasira ang lupain dahil sa mga pulu-pulutong na langaw. Pagkatapos, ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron at sinabi, "Humayo kayo, maghandog kayo sa inyong Diyos sa loob ng lupain." Ngunit sinabi ni Moises, "Hindi tama na gayon ang aming gawin, sapagkat aming iaalay sa PANGINOON naming Diyos ang mga handog na karumaldumal sa mga Ehipcio. Kung ihahandog ba namin ang mga handog na karumaldumal sa mga Ehipcio sa harap ng kanilang paningin, hindi ba nila kami babatuhin? Kami ay hahayo sa tatlong araw na paglalakbay sa ilang at maghahandog sa PANGINOON naming Diyos, ayon sa kanyang ipag-uutos sa amin." Kaya't sinabi ni Faraon, "Papayagan kong umalis kayo upang kayo'y makapaghandog sa PANGINOON ninyong Diyos sa ilang. Huwag lamang kayong masyadong lalayo. Idalangin ninyo ako." Sinabi ni Moises, "Pagkaalis ko sa harapan mo ay aking hihilingin sa PANGINOON na bukas ay umalis ang mga pulu-pulutong na langaw mula sa Faraon, sa kanyang mga lingkod, at sa kanyang bayan; ngunit huwag nang mandaya pang muli ang Faraon sa hindi pagpayag na humayo ang bayan upang maghandog sa PANGINOON." Kaya't iniwan ni Moises ang Faraon at nanalangin sa PANGINOON. Ginawa ng PANGINOON ang ayon sa salita ni Moises: inalis niya ang mga pulu-pulutong na langaw mula sa Faraon, sa kanyang mga lingkod, at sa kanyang bayan; walang natira kahit isa. Ngunit pinatigas na muli ng Faraon ang kanyang puso at hindi pinayagang umalis ang taong-bayan. Pagkatapos ay sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Puntahan mo ang Faraon at sabihin mo sa kanya, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON, ang Diyos ng mga Hebreo: Payagan mong umalis ang aking bayan upang sila'y makasamba sa akin. Sapagkat kung tatanggihan mong paalisin sila, at sila'y pipigilin mo pa, ang kamay ng PANGINOON ay magbibigay ng matinding salot sa iyong hayop na nasa parang, sa mga kabayo, mga asno, mga kamelyo, mga baka, at sa mga kawan. Ngunit gagawa ang PANGINOON ng pagkakaiba sa mga hayop ng Israel at sa mga hayop ng Ehipto, upang walang mamatay sa lahat ng nauukol sa mga anak ni Israel.' " Ang PANGINOON ay nagtakda ng panahon na sinasabi, "Bukas ay gagawin ng PANGINOON ang bagay na ito sa lupain." Kinabukasan ay ginawa ng PANGINOON ang bagay naiyon. Ang lahat ng hayop sa Ehipto ay namatay ngunit sa hayop ng mga anak ni Israel ay walang namatay kahit isa. Ang Faraon ay nagsugo, at walang namatay kahit isa sa kawan ng mga Israelita. Ngunit ang puso ni Faraon ay nagmatigas, at hindi niya pinayagang umalis ang taong-bayan. Sinabi ng PANGINOON kay Moises at kay Aaron, "Dumakot kayo ng isang dakot na abo sa hurno, at isaboy ito ni Moises sa himpapawid sa paningin ni Faraon. Ito'y magiging pinong alabok sa buong lupain ng Ehipto, at magiging pigsang susugat sa tao, at sa hayop sa buong lupain ng Ehipto." Kaya't sila'y kumuha ng abo sa hurno, at tumayo sa harap ni Faraon. Isinaboy ito ni Moises sa himpapawid at naging pigsang sumusugat sa tao at sa hayop. Ang mga salamangkero ay hindi makatayo sa harap ni Moises dahil sa mga pigsa; sapagkat nagkapigsa ang mga salamangkero at ang lahat ng mga Ehipcio. Ngunit pinatigas ng PANGINOON ang puso ng Faraon at hindi niya dininig sila gaya ng sinabi ng PANGINOON kay Moises. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Bumangon kang maaga sa kinaumagahan, at tumayo ka sa harap ng Faraon. Sabihin mo sa kanya, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON, ang Diyos ng mga Hebreo: Payagan mong umalis ang aking bayan upang sila'y makasamba sa akin. Sapagkat ngayo'y ibubuhos ko na ang lahat ng aking salot sa iyo, sa iyong mga lingkod, at sa iyong bayan upang iyong malaman na walang tulad ko sa buong daigdig. Sapagkat ngayo'y maaari ko nang iunat ang aking kamay upang dalhan ka ng salot at ang iyong bayan, at nawala ka na sana sa lupa. Subalit dahil sa layuning ito ay binuhay kita, upang maipakita sa iyo ang aking kapangyarihan, at ang aking pangalan ay mahayag sa buong daigdig. Nagmamalaki ka pa ba laban sa aking bayan, at ayaw mo silang paalisin? Bukas, sa ganitong oras, ay magpapabagsak ako ng mabibigat na yelong ulan na kailanma'y hindi pa nangyari sa Ehipto mula nang araw na itatag ito hanggang ngayon. Ngayon nga'y magsugo ka, ipasilong mo ang iyong mga hayop at lahat ng iyong pag-aari sa parang; bawat tao at hayop na maabutan sa parang at hindi maisilong ay babagsakan ng yelong ulan at mamamatay.' " Ang bawat natakot sa salita ng PANGINOON sa mga lingkod ni Faraon ay nagpauwi ng kanyang mga alipin at ng kanyang hayop sa mga bahay; ngunit ang nagwalang bahala sa salita ng PANGINOON ay pinabayaan ang kanyang mga alipin at ang kanyang kawan sa parang. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Iunat mo ang iyong kamay paharap sa langit upang magkaroon ng yelong ulan sa buong lupain ng Ehipto na babagsak sa mga tao, sa mga hayop, at sa bawat mga halaman sa parang sa buong lupain ng Ehipto." Kaya't iniunat ni Moises ang kanyang tungkod paharap sa langit, at ang PANGINOON ay nagpadala ng kulog at yelong ulan, at may apoy na bumagsak sa lupa. At ang PANGINOON ay nagpaulan ng yelo sa lupain ng Ehipto. Sa gayo'y nagkaroon ng yelong ulan at ng apoy na sumisiklab sa gitna ng yelong ulan, at ang gayong napakabigat na yelong ulan ay di nangyari kailanman sa buong lupain ng Ehipto mula nang maging bansa ito. Binagsakan ng yelong ulan ang buong lupain ng Ehipto, ang lahat na nasa parang, maging tao at maging hayop, pati ang lahat ng halaman sa parang, at binali ang lahat ng punungkahoy. Sa lupain lamang ng Gosen na kinaroroonan ng mga anak ni Israel hindi nagkaroon ng yelong ulan. Ang Faraon ay nagsugo at ipinatawag sina Moises at Aaron at sinabi sa kanila, "Ako'y nagkasala sa pagkakataong ito; ang PANGINOON ay matuwid samantalang ako at ang aking bayan ay masama. Pakiusapan ninyo ang PANGINOON, sapagkat nagkaroon na ng sapat na kulog at yelong ulan. Papayagan kong umalis na kayo at hindi na kayo mananatili pa." Sinabi ni Moises sa kanya, "Pagkalabas ko sa lunsod, aking iuunat ang aking mga kamay sa PANGINOON; ang mga kulog ay titigil, at hindi na magkakaroon pa ng yelong ulan upang iyong malaman na ang daigdig ay sa PANGINOON. Ngunit tungkol sa iyo at sa iyong mga lingkod, alam ko na hindi pa kayo natatakot sa PANGINOONG Diyos." Ang lino at ang sebada ay nasira sapagkat ang sebada ay nag-uuhay na at ang lino ay namumulaklak na. Subalit ang trigo at ang espelta ay hindi nasira sapagkat hindi pa tumutubo. Kaya't si Moises ay lumabas sa lunsod mula sa Faraon, at iniunat ang kanyang mga kamay sa PANGINOON. Ang mga kulog at ang yelong ulan ay tumigil at ang ulan ay hindi na bumuhos sa lupa. Ngunit nang makita ng Faraon na ang ulan, ang yelong ulan at ang mga kulog ay tumigil, muli siyang nagkasala at nagmatigas ang kanyang puso, pati ang kanyang mga lingkod. Ang puso ng Faraon ay nagmatigas at hindi niya pinayagang umalis ang bayan ng Israel; gaya ng sinabi ng PANGINOON sa pamamagitan ni Moises. Pagkatapos ay sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Puntahan mo ang Faraon, sapagkat aking pinatigas ang puso niya at ng kanyang mga lingkod, upang aking maipakita itong aking mga tanda sa gitna nila, at upang iyong maisalaysay sa mga pandinig ng iyong anak, at sa anak ng iyong anak, kung anong mga bagay ang ginawa ko sa Ehipto, at ang aking mga tandang ginawa sa gitna nila, upang inyong malaman na ako ang PANGINOON." Kaya't pinuntahan nina Moises at Aaron ang Faraon at sinabi sa kanya, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, ang Diyos ng mga Hebreo, 'Hanggang kailan ka tatangging magpakumbaba sa harap ko? Payagan mo nang umalis ang aking bayan, upang sila'y makasamba sa akin. Sapagkat kung tatanggihan mong paalisin ang aking bayan, bukas ay magdadala ako ng mga balang sa iyong lupain. Kanilang tatakpan ang ibabaw ng lupain, kaya't walang makakakita ng lupa. Kanilang kakainin ang naiwan sa inyo pagkaraan ng yelong ulan at kanilang kakainin ang bawat punungkahoy mo sa parang. Ang inyong mga bahay ay mapupuno, ang mga bahay ng lahat mong lingkod, at ang mga bahay ng mga Ehipcio, na hindi nakita ng inyong mga magulang ni ng inyong mga ninuno, mula nang araw na sila'y mapasa daigdig hanggang sa araw na ito.'" At siya'y tumalikod at nilisan ang Faraon. Sinabi ng mga lingkod ng Faraon sa kanya, "Hanggang kailan magiging isang bitag sa atin ang taong ito? Hayaan mo nang umalis ang mga taong iyan upang sila'y makapaglingkod sa PANGINOON nilang Diyos; hindi mo pa ba nauunawaan na ang Ehipto ay wasak na?" Kaya't sina Moises at Aaron ay pinabalik sa Faraon at kanyang sinabi sa kanila, "Humayo kayo, maglingkod kayo sa PANGINOON ninyong Diyos; subalit sinu-sino ang aalis?" Sinabi ni Moises, "Kami ay aalis kasama ang aming mga bata at matatanda, kasama ang aming mga anak na lalaki at babae, mga kawan at mga baka, sapagkat kami ay kailangang magdiwang ng isang pista sa PANGINOON." Kanyang sinabi sa kanila, "Sumainyo nawa ang PANGINOON, kung kayo'y aking papayagan, at ang inyong maliliit na umalis! Tingnan ninyo, mayroon kayong masamang binabalak. Hindi, hindi kailanman! Maaaring umalis ang inyong mga kalalakihan at sumamba sa PANGINOON, sapagkat iyan ang inyong hinihingi." At sila'y ipinagtabuyan mula sa harap ng Faraon. Pagkatapos, sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Iunat mo ang iyong kamay sa lupain ng Ehipto, upang dumating dito ang mga balang at kainin ang lahat ng halaman sa lupain, maging ang lahat ng iniwan ng yelong ulan." Kaya't iniunat ni Moises ang kanyang tungkod sa lupain ng Ehipto, at ang PANGINOON ay nagpahihip ng hanging amihan sa lupain ng buong araw na iyon at ng buong gabi; at nang mag-umaga ay dinala ng hanging amihan ang mga balang. Ang mga balang ay lumapag sa buong lupain ng Ehipto at dumagsa sa lahat ng hangganan ng Ehipto; totoong napakakapal ng mga balang na hindi nangyari noon at hindi na mangyayari pa. Sapagkat tinakpan ng mga iyon ang ibabaw ng buong lupain, kaya't ang lupain ay nagdilim. Kinain nila ang lahat ng halaman sa lupain at ang lahat na bunga ng mga punungkahoy na iniwan ng yelong ulan at walang natirang anumang sariwang bagay, maging sa punung-kahoy o sa halaman sa parang, sa buong lupain ng Ehipto. Pagkatapos ay nagmamadaling ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron at kanyang sinabi, "Ako'y nagkasala laban sa PANGINOON ninyong Diyos at laban sa inyo. patawad mo ang aking kasalanan, ngayon na lamang at hilingin ninyo sa PANGINOON ninyong Diyos, ilayo man lamang sa akin ang nakakamatay na bagay na ito." Kaya't iniwan niya ang Faraon at nakiusap sa PANGINOON. Pinabalik ng PANGINOON ang isang napakalakas na hanging habagat na siyang tumangay sa mga balang, at itinaboy ang mga ito sa Dagat na Pula; walang natira kahit isang balang sa buong nasasakupan ng Ehipto. Subalit pinatigas ng PANGINOON ang puso ni Faraon at hindi niya pinayagang umalis ang mga anak ni Israel. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Iunat mo ang iyong kamay paharap sa langit, upang magdilim sa lupain ng Ehipto ng isang kadilimang mararamdaman." Kaya't iniunat ni Moises ang kanyang kamay paharap sa langit, at nagkaroon ng makapal na kadiliman sa buong lupain ng Ehipto ng tatlong araw. Sila'y hindi magkakitaan, at walang tumindig na sinuman sa kinaroroonan niya sa loob ng tatlong araw; ngunit lahat ng mga anak ni Israel ay may liwanag sa kanilang tirahan. Ipinatawag ng Faraon si Moises at sinabi, "Humayo kayo, maglingkod kayo sa PANGINOON; iwan lamang ninyo ang inyong mga kawan at ang inyong mga baka. Isama na rin ninyo ang inyong mga anak." Ngunit sinabi ni Moises, "Dapat ding magbigay ka sa aming kamay ng mga alay at mga handog na sinusunog upang aming maihandog sa PANGINOON naming Diyos. Ang aming hayop ay isasama rin namin; wala kahit isang paa na maiiwan, sapagkat kailangang pumili kami ng ilan sa mga iyon para sa pagsamba sa PANGINOON naming Diyos. Hindi namin nalalaman kung ano ang aming gagamitin sa pagsamba sa PANGINOON, hanggang sa kami ay dumating doon." Subalit pinatigas ng PANGINOON ang puso ng Faraon at hindi niya pinayagang umalis sila. Sinabi ng Faraon sa kanya, "Umalis ka sa harap ko! Tiyakin mong huwag nang makitang muli ang aking mukha, sapagkat sa araw na iyong makita ang aking mukha ay mamamatay ka." Sinabi ni Moises, "Gayang sinabi mo! Hindi ko na muling makikita ang iyong mukha." Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "May isa pa akong salot na dadalhin sa Faraon at sa Ehipto. Pagkatapos nito ay papahintulutan niya kayong umalis dito. Kapag pumayag na siyang kayo'y umalis, kayo'y itataboy niyang papalayo. Magsalita ka ngayon sa pandinig ng bayan at humingi ang bawat lalaki sa kanyang kapwa, at bawat babae sa kanyang kapwa ng mga alahas na pilak, at ng mga alahas na ginto. Binigyan ng PANGINOON ang bayan ng biyaya sa paningin ng mga Ehipcio. Bukod dito, ang lalaking si Moises ay naging dakila sa lupain ng Ehipto, sa paningin ng mga lingkod ng Faraon, at sa paningin ng mga tao. Sinabi ni Moises, "Ganito ang sinasabi ng PANGINOON: Sa hating-gabi ay lalabas ako sa gitna ng Ehipto. Lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto ay mamamatay, mula sa panganay ng Faraon na nakaupo sa kanyang trono, hanggang sa panganay ng aliping babaing nasa likuran ng gilingan, at ang lahat ng mga panganay ng mga hayop. Magkakaroon ng malakas na panaghoy sa buong lupain ng Ehipto, na hindi pa nagkaroon ng tulad nito at hindi na muling magkakaroon pa. Subalit sa bayan ng Israel, maging tao o hayop ay walang uungol kahit aso, upang inyong malaman na naglalagay ang PANGINOON ng pagkakaiba sa mga Ehipcio at sa Israel. Ang lahat ng mga lingkod mong ito ay dudulog at yuyukod sa akin, na sinasabi, 'Umalis ka at ang buong bayan na sumusunod sa iyo.' Pagkatapos niyon ay aalis ako." At siya'y umalis sa harap ng Faraon na may matinding galit. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Hindi kayo papakinggan ng Faraon, upang ang aking mga kababalaghan ay dumami sa lupain ng Ehipto." Ginawa nina Moises at Aaron ang lahat ng mga kababalaghang ito sa harap ng Faraon; ngunit pinatigas ng PANGINOON ang puso ng Faraon, at hindi niya pinahintulutan ang mga anak ni Israel na lumabas sa kanyang lupain. Ang PANGINOON ay nagsalita kina Moises at Aaron sa lupain ng Ehipto, na sinasabi, "Ang buwang ito'y magiging pasimula ng inyong mga buwan; ito ang magiging unang buwan ng taon para sa inyo. Sabihin ninyo sa buong kapulungan ng Israel: sa ikasampung araw ng buwang ito ay kukuha ang bawat lalaki sa kanila ng isang kordero, ayon sa mga sambahayan ng kani-kanilang mga ninuno, isang kordero sa bawat sambahayan. Kung ang sambahayan ay napakaliit para sa isang kordero, siya at ang kanyang malapit na kapitbahay ay magsasalu-salo sa isa ayon sa bilang ng mga tao; gagawin ninyo ang pagbilang sa kordero ayon sa makakain ng bawat tao. Ang inyong kordero ay walang kapintasan, isang lalaki na isang taong gulang; inyong kukunin ito sa mga tupa o sa mga kambing. Iyon ay inyong iingatan hanggang sa ikalabing-apat na araw ng buwang ito, at papatayin ng buong kapulungan ng kapisanan ng Israel ang kanilang mga kordero sa paglubog ng araw. Pagkatapos, kukuha sila ng dugo, at ilalagay sa dalawang haligi ng pinto at sa itaas ng pintuan, sa mga bahay na kanilang kakainan. Kanilang kakainin sa gabing iyon ang kordero; kanilang kakainin ito na inihaw sa apoy, kasama ang tinapay na walang pampaalsa at mapapait na gulay. Huwag ninyo itong kakaining hilaw, o pinakuluan man sa tubig, kundi inihaw sa apoy, pati ang ulo, ang paa at mga lamang loob nito. Huwag kayong magtitira ng anuman nito hanggang sa kinaumagahan; ang matitira hanggang sa kinaumagahan ay inyong susunugin sa apoy. Sa ganitong paraan ninyo kakainin ito: may bigkis ang inyong baywang, ang mga sandalyas ay nakasuot sa inyong mga paa, at ang inyong tungkod ay nasa inyong kamay; at dali-dali ninyong kakainin ito. Ito ang paskuwa ng PANGINOON. Sapagkat ako'y dadaan sa lupain ng Ehipto sa gabing iyon at aking pupuksain ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto, maging tao man at hayop; at ilalapat ko ang hatol laban sa lahat ng mga diyos ng Ehipto: Ako ang PANGINOON. Ang dugo ay magiging sa inyo'y isang tanda sa mga bahay na inyong kinaroroonan; kapag aking nakita ang dugo, lalampasan ko kayo at walang salot na papatay sa inyo, kapag pinuksa ko ang lupain ng Ehipto. "Ang araw na ito'y magiging sa inyo'y isang alaala, at inyong ipagdiriwang bilang pista sa PANGINOON; sa buong panahon ng inyong mga salinlahi ay inyong ipagdiriwang bilang isang tuntunin magpakailanman. Pitong araw na kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa. Sa unang araw ay inyong aalisin sa inyong mga bahay ang pampaalsa, sapagkat sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa, mula sa unang araw hanggang sa ikapitong araw ay ititiwalag sa Israel. Sa unang araw ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagtitipon at sa ikapitong araw ay magkakaroon din kayo ng isang banal na pagtitipon. Walang anumang gawa na gagawin sa mga araw na iyon; ang nararapat lamang kainin ng bawat tao ang maaaring ihanda ninyo. Inyong ipapangilin ang pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, sapagkat sa araw na ito ay kinuha ko ang inyong mga hukbo mula sa lupain ng Ehipto. Inyong ipapangilin ang araw na ito sa buong panahon ng inyong mga salinlahi bilang isang tuntunin magpakailanman. Sa paglubog ng araw sa ikalabing-apat na araw ng unang buwan, kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa, hanggang sa ikadalawampu't isang araw ng buwan, sa paglubog ng araw. Pitong araw na walang matatagpuang pampaalsa sa inyong mga bahay; sinumang kumain ng may pampaalsa ay ititiwalag sa kapulungan ng Israel, siya man ay banyaga o ipinanganak sa lupain. Huwag kayong kakain ng anumang bagay na may pampaalsa; sa lahat ng inyong mga tirahan ay kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa." Nang magkagayo'y ipinatawag ni Moises ang lahat ng matatanda sa Israel, at sinabi sa kanila, "Kayo'y lumabas at kumuha ng mga kordero ayon sa inyu-inyung sambahayan, at magpatay kayo ng kordero ng paskuwa. Kayo'y kumuha ng isang bigkis na isopo, inyong ilubog sa dugo na nasa palanggana, at inyong pahiran ng dugo ang itaas ng pinto at ang dalawang haligi ng pinto ng dugong nasa palanggana; sinuman sa inyo ay huwag lalabas sa pinto ng kanyang bahay hanggang sa kinaumagahan. Sapagkat ang PANGINOON ay daraan upang patayin ang mga Ehipcio; pagkakita niya ng dugo sa itaas ng pinto at sa dalawang haligi ng pinto, lalampasan ng PANGINOON ang pintong iyon at hindi niya hahayaang pumasok ang mamumuksa sa inyong mga bahay upang patayin kayo. Inyong iingatan ang bagay na ito bilang tuntunin sa iyo at sa iyong mga anak magpakailanman. Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay sa inyo ng PANGINOON, gaya ng kanyang ipinangako, inyong tutuparin ang paglilingkod na ito. Kapag itinanong sa inyo ng inyong mga anak, 'Anong ibig ninyong sabihin sa pagdiriwang na ito?' Inyong sasabihin,'Ito ang paghahandog ng paskuwa ng PANGINOON, sapagkat kanyang nilampasan ang mga bahay ng mga anak ni Israel sa Ehipto, nang kanyang patayin ang mga Ehipcio at iniligtas ang ating mga bahay.'" At ang taong-bayan ay nagyukod ng ulo at sumamba. Ang mga anak ni Israel ay humayo at gayon ang ginawa; kung ano ang iniutos ng PANGINOON kay Moises at kay Aaron, ay gayon ang ginawa nila. Pagsapit ng hatinggabi, pinatay ng PANGINOON ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto, mula sa panganay ng Faraon na nakaupo sa kanyang trono, hanggang sa panganay ng bihag na nasa bilangguan, at lahat ng panganay sa mga hayop. Ang Faraon ay bumangon nang gabi, pati ang lahat ng kanyang mga lingkod at lahat ng mga Ehipcio; at nagkaroon ng isang malakas na panaghoy sa Ehipto sapagkat walang bahay na walang namatay. Kanyang ipinatawag sina Moises at Aaron nang gabi at sinabi, "Maghanda kayo, umalis kayo sa gitna ng aking bayan, kayo at ang mga anak ni Israel! Umalis na kayo at sambahin ninyo ang PANGINOON, gaya ng inyong sinabi. Dalhin ninyo ang inyong mga kawan at ang inyong mga baka, gaya ng inyong sinabi, at kayo'y umalis na; at idalangin ninyo na ako ay pagpalain!" Pinapagmadali ng mga Ehipcio ang taong-bayan, at madaliang pinaalis sila sa lupain, sapagkat kanilang sinabi, "Kaming lahat ay mamamatay." Kaya't dinala ng taong-bayan ang kanilang minasang harina bago ito nilagyan ng pampaalsa, na nakabalot pa ang kanilang mga pangmasa sa kani-kanilang damit at ipinasan sa kanilang mga balikat. Ginawa ng mga anak ni Israel ang ayon sa sinabi sa kanila ni Moises; sila'y humingi sa mga Ehipcio ng mga alahas na pilak, mga alahas na ginto, at mga damit. Binigyan ng PANGINOON ang bayan ng biyaya sa paningin ng mga Ehipcio, kaya't ibinigay sa kanila ang anumang hingin nila. Kaya't kanilang sinamsaman ang mga Ehipcio. Ang mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa Rameses hanggang sa Sucot, na may animnaraang libong lalaki na naglakad, bukod pa sa mga babae at mga bata. Iba't ibang lahi, mga kawan, mga baka, at napakaraming hayop ang umahon ding kasama nila. Kanilang niluto ang mga tinapay na walang pampaalsa mula sa minasang harina na kanilang dinala mula sa Ehipto. Ito ay hindi nilagyan ng pampaalsa, sapagkat sila'y itinaboy sa Ehipto at hindi na makapaghintay pa o makapaghanda man ng anumang pagkain para sa kanilang sarili. Ang panahon na nanirahan ang mga anak ni Israel sa Ehipto ay apatnaraan at tatlumpung taon. Sa katapusan ng apatnaraan at tatlumpung taon, nang araw ding iyon, ang lahat ng mga hukbo ng PANGINOON ay umalis sa lupain ng Ehipto. Ito ay isang gabi ng pagbabantay ng PANGINOON upang ilabas sila sa lupain ng Ehipto; kaya't ang gabing iyon ay gabi ng PANGINOON na ipangingilin ng lahat ng mga anak ni Israel sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi. Sinabi ng PANGINOON kay Moises at kay Aaron, "Ito ang tuntunin ng paskuwa: walang sinumang banyaga na kakain niyon. Subalit ang bawat alipin na binili ng salapi ay maaaring makakain niyon kapag tuli na siya. Ang dayuhan at ang alilang upahan ay hindi maaaring kumain niyon. Sa loob ng isang bahay kakainin iyon; huwag kang magdadala ng laman sa labas ng bahay, ni huwag ninyong babaliin kahit isang buto niyon. Ipapangilin iyon ng buong kapulungan ng Israel. Kapag ang isang dayuhan ay maninirahang kasama mo, at mangingilin ng paskuwa ng PANGINOON, tutuliin lahat ang kanyang mga kalalakihan at saka lamang siya makakalapit at makakapangilin. Siya'y magiging tulad sa ipinanganak sa lupain ninyo. Subalit sinumang hindi tuli ay hindi makakakain niyon. May iisa lamang kautusan para sa ipinanganak sa lupain, at para sa dayuhang naninirahang kasama ninyo." Gayon ang ginawa ng lahat ng mga anak ni Israel; kung ano ang iniutos ng PANGINOON kay Moises at kay Aaron, gayon ang ginawa nila. Nang araw ding iyon, kinuha ng PANGINOON ang mga anak ni Israel sa lupain ng Ehipto, ayon sa kanilang mga hukbo. Ang PANGINOON ay nagsalita kay Moises, "Italaga mo sa akin ang lahat ng mga panganay, anumang nagbubukas ng bahay-bata sa mga anak ni Israel, maging sa tao at maging sa hayop ay akin." Sinabi ni Moises sa bayan, "Alalahanin ninyo ang araw na ito na lumabas kayo sa Ehipto, sa bahay ng pagkaalipin; sapagkat sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas kayo ng PANGINOON mula sa dakong ito, walang kakain ng tinapay na may pampaalsa. Sa araw na ito, na buwan ng Abib, ay lalabas kayo. Kapag dinala ka na ng PANGINOON sa lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Heveo, at Jebuseo, na kanyang ipinangako sa iyong mga ninuno na ibibigay sa iyo, isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, iyong iingatan ang pangingilin na ito. Pitong araw na kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa, at sa ikapitong araw ay magkakaroon ng isang kapistahan sa PANGINOON. Tinapay na walang pampaalsa ang kakainin sa loob ng pitong araw; at dapat walang makitang tinapay na may pampaalsa sa iyo ni makakita ng pampaalsa sa iyo, sa lahat ng iyong nasasakupan. Sasabihin mo sa iyong anak sa araw na iyon, 'Dahil sa ginawa ng PANGINOON sa akin nang ako'y umalis sa Ehipto.' Iyon ay magsisilbing isang tanda para sa iyo sa ibabaw ng iyong kamay, at bilang alaala sa pagitan ng iyong mga mata, upang ang kautusan ng PANGINOON ay sumaiyong bibig sapagkat sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay ay inilabas ka ng PANGINOON sa Ehipto. Kaya't ingatan mo ang tuntuning ito sa takdang panahon nito taun-taon. "Kapag dinala ka na ng PANGINOON sa lupain ng Cananeo, gaya ng ipinangako sa iyo at sa iyong mga ninuno, at pagkabigay niyon sa iyo, ibubukod mo para sa PANGINOON ang lahat ng nagbubukas ng bahay-bata. Lahat ng panganay na lalaki ng iyong mga hayop ay sa PANGINOON. Bawat panganay ng asno ay tutubusin mo ng isang kordero;' at kung hindi mo tutubusin ito, iyong babaliin ang leeg nito. Lahat ng mga panganay na lalaki sa iyong mga anak ay iyong tutubusin. At kapag nagtanong sa iyo ang iyong anak sa panahong darating, na sasabihin, Ano ito?' iyong sasabihin sa kanya, 'Sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas tayo ng PANGINOON sa Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin. Nang magmatigas ang Faraon na hindi kami payagang umalis ay pinatay ng PANGINOON ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto, ang panganay ng tao at gayundin ang panganay ng hayop. Kaya't aking inihahandog sa PANGINOON ang lahat ng mga lalaki na nagbubukas ng bahay-bata; ngunit lahat ng panganay ng aking anak ay aking tinutubos.' Ito ay magiging tanda sa iyong kamay at bilang alaala sa pagitan ng iyong mga mata, sapagkat sa pamamagitan ng lakas ng kamay ay inilabas tayo ng PANGINOON sa Ehipto." Nang payagan ng Faraon na umalis ang bayan, hindi sila dinala ng Diyos sa daang parungo sa lupain ng mga Filisteo, bagaman malapit iyon sapagkat sinabi ng Diyos, "Baka ang bayan ay magsisi kapag nakakita ng digmaan at magbalikan sa Ehipto." Kundi pinatnubayan ng Diyos ang taong-bayan paikot sa daang patungo sa ilang sa tabi ng Dagat na Pula. Ang mga anak ni Israel ay umahon mula sa lupain ng Ehipto na handa sa pakikipaglaban. Dinala ni Moises ang mga buto ni Jose sapagkat mahigpit niyang pinapanumpa ang mga anak ni Israel, na sinasabi, "Tiyak na bibigyang-pansin kayo ng Diyos, at inyong dadalhin ang aking mga buto mula rito na kasama ninyo." Sila'y naglakbay mula sa Sucot at humimpil sa Etam, sa hangganan ng ilang. Ang PANGINOON ay nangunguna sa kanila sa araw, sa isang haliging ulap upang patnubayan sila sa daan; at sa gabi ay sa isang haliging apoy upang tanglawan sila; upang sila'y makapaglakad sa araw at sa gabi. Ang haliging ulap sa araw at ang haliging apoy sa gabi ay hindi umalis sa unahan ng taong-bayan. Pagkatapos, ang PANGINOON ay nagsalita kay Moises, "Sabihin mo sa mga anak ni Israel na sila'y bumalik at humimpil sa tapat ng Pihahirot, sa pagitan ng Migdol at ng dagat, sa tapat ng Baal-zefon; sa tapat niyon kayo hihimpil, sa tabi ng dagat. Sapagkat sasabihin ng Faraon tungkol sa mga anak ni Israel, 'Nagkabuhul-buhol sila sa lupain; sila'y nakukulong ng ilang.' Aking papatigasin ang puso ng Faraon, at kanyang hahabulin sila. Ako ay pararangalan sa pamamagitan ng Faraon, at sa lahat ng kanyang hukbo. Malalaman ng mga Ehipcio na ako ang PANGINOON." At gayon ang kanilang ginawa. Nang masabi sa hari ng Ehipto na ang taong-bayan ay tumakas, ang puso ng Faraon at ng kanyang mga lingkod ay nagbago tungkol sa taong-bayan, at kanilang sinabi, "Ano itong ating ginawa, na ating hinayaang umalis ang Israel, upang huwag na tayong mapaglingkuran?" Kaya't inihanda niya ang kanyang karwahe at isinama ang kanyang hukbo. Siya'y nagdala ng animnaraang piling karwahe, at lahat ng iba pang mga karwahe sa Ehipto, at ng mga mamumuno sa lahat ng mga iyon. Pinatigas ng PANGINOON ang puso ng Faraon na hari ng Ehipto, at hinabol niya ang mga anak ni Israel, na umalis na may lubos na katapangan. Hinabol sila ng mga Ehipcio, ng lahat ng mga kabayo at ng karwahe ng Faraon, ng kanyang mga mangangabayo at ng hukbo; at kanilang inabutan sila na nakahimpil sa tabi ng dagat na nasa Pihahirot, sa tapat ng Baal-zefon. Nang ang Faraon ay papalapit na, tumingin sa likuran ang mga anak ni Israel, at nakitang ang mga Ehipcio ay sumusunod sa kanila. Sila'y lubhang natakot, at ang mga anak ni Israel ay tumawag sa PANGINOON. Kanilang sinabi kay Moises, "Dahil ba sa walang libingan sa Ehipto, kung kaya dinala mo kami upang mamatay sa ilang? Anong ginawa mo sa amin, at inilabas mo kami sa Ehipto? Hindi ba ito ang sinabi namin sa iyo sa Ehipto, 'Hayaan mo kaming mag-isa at pabayaan mo kaming makapaglingkod sa mga Ehipcio'? Sapagkat mas mabuti pa sa amin ang maglingkod sa mga Ehipcio kaysa mamatay sa ilang." Sinabi ni Moises sa bayan, "Huwag kayong matakot, magpakatatag kayo, at masdan ninyo ang pagliligtas ng PANGINOON na kanyang gagawin sa inyo ngayon; sapagkat ang mga Ehipcio na inyong nakikita ngayon ay hindi na ninyo muling makikita kailanman. Ipaglalaban kayo ng PANGINOON at ang dapat lamang ninyong gawin ay manahimik." Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Bakit tumatawag ka sa akin? Sabihin mo sa mga anak ni Israel na sila'y magpatuloy. Itaas mo ang iyong tungkod at iunat mo ang iyong kamay sa ibabaw ng dagat, at hawiin mo, upang ang mga anak ni Israel ay makaraan sa tuyong lupa sa gitna ng dagat. Aking pagmamatigasin ang puso ng mga Ehipcio upang sundan nila kayo at ako'y magkakaroon ng karangalan kay Faraon at sa buo niyang hukbo, sa kanyang mga karwahe, at sa kanyang mga mangangabayo. Malalaman ng mga Ehipcio na ako ang PANGINOON, kapag ako ay nakakuha na ng karangalan kay Faraon, sa kanyang mga karwahe, at sa kanyang mga mangangabayo." Pagkatapos, ang anghel ng Diyos na nasa unahan ng hukbo ng Israel ay umalis at nagtungo sa hulihan nila; at ang haliging ulap ay umalis sa harap nila at nagtungo sa likod nila. Ito ay lumagay sa pagitan ng hukbo ng Ehipto at ng hukbo ng Israel. Mayroong ulap at kadiliman, gayunma'y binigyan sila ng liwanag sa gabi at ang isa't isa ay hindi nagkalapit sa buong magdamag. Pagkatapos, iniunat ni Moises ang kanyang kamay sa ibabaw ng dagat, at pinaghiwalay ng PANGINOON ang dagat sa pamamagitan ng isang malakas na hanging mula sa silangan sa buong magdamag, at ang dagat ay ginawang tuyong lupa at ang tubig ay nahawi. Ang mga anak ni Israel ay pumasok sa gitna ng dagat sa ibabaw ng tuyong lupa, ang tubig ay naging isang pader sa kanila, sa kanilang gawing kanan at sa kanilang kaliwa. Humabol ang mga Ehipcio at pumasok na kasunod nila sa gitna ng dagat, lahat ng mga kabayo ng Faraon, ang kanyang mga karwahe, at ang kanyang mga mangangabayo. Sa pagbabantay sa kinaumagahan, tinunghayan ng PANGINOON ang hukbo ng mga Ehipcio sa gitna ng haliging apoy at ulap, at niligalig ang hukbo ng mga Ehipcio. Kanyang nilagyan ng bara ang gulong ng kanilang mga karwahe kaya't ang mga iyon ay hirap na hirap sa pag-ikot; kaya't sinabi ng mga Ehipcio, "Takbuhan na natin ang Israel, sapagkat ipinaglalaban sila ng PANGINOON laban sa mga Ehipcio." Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Iunat mo ang iyong kamay sa dagat upang ang tubig ay tumabon sa mga Ehipcio, sa kanilang mga karwahe, at sa kanilang mga mangangabayo." Kaya't iniunat ni Moises ang kanyang kamay sa ibabaw ng dagat, at ang dagat ay bumalik sa kanyang dating lalim nang mag-uumaga na. Habang ang mga Ehipcio ay tumatakas, inihagis ng PANGINOON ang mga Ehipcio sa gitna ng dagat. Ang tubig ay bumalik at tinakpan ang mga karwahe, ang mga mangangabayo, ang buong hukbo ng Faraon na sumunod sa kanila sa dagat; walang natira kahit isa sa kanila. Subalit ang mga anak ni Israel ay lumakad sa tuyong lupa sa gitna ng dagat; at ang tubig ay naging isang pader sa kanilang gawing kanan at sa kanilang kaliwa. Gayon iniligtas ng PANGINOON ang Israel nang araw na iyon mula sa kamay ng mga Ehipcio; at nakita ng Israel ang mga Ehipcio na patay sa dalampasigan. Nakita ng Israel ang dakilang gawa na ginawa ng PANGINOON sa mga Ehipcio, at ang taong-bayan ay natakot sa PANGINOON at sila'y sumampalataya sa PANGINOON at sa kanyang lingkod na si Moises. Nang magkagayo'y inawit ni Moises at ng mga Israelita ang awit na ito sa PANGINOON, na sinasabi, "Ako'y aawit sa PANGINOON, sapagkat siya'y maluwalhating nagtagumpay; kanyang inihagis sa dagat ang kabayo at ang doo'y nakasakay. Ang PANGINOON ang aking awit at kalakasan, at siya'y naging aking kaligtasan; Ito ang aking Diyos, at aking pupurihin siya, siya'y aking itataas, ang Diyos ng aking ama. Ang PANGINOON ay isang mandirigma. PANGINOON ang pangalan niya. "Ang mga karwahe ng Faraon at ang kanyang hukbo sa dagat ay itinapon niya, at ang kanyang mga piling pinuno ay inilubog sa Dagat na Pula. Ang kalaliman ay tumatabon sa kanila; sila'y lumubog sa mga kalaliman na parang isang bato. Ang iyong kanang kamay, O PANGINOON ay maluwalhati sa kapangyarihan, ang iyong kanang kamay, O PANGINOON ang dumudurog sa kaaway. Sa kadakilaan ng iyong karilagan ay ibinubuwal mo ang bumabangon laban sa iyo; Iyong ipinapakita ang iyong matinding galit, at nililipol silang parang dayami. Sa hihip ng iyong ilong ang tubig ay natipon, ang mga agos ay tumayong parang isang bunton; Ang mga kalaliman ay namuo sa gitna ng dagat. Sinabi ng kaaway, 'Aking hahabulin, aking aabutan, Hahatiin ko ang samsam, ang aking nais sa kanila ay masisiyahan, aking bubunutin ang aking tabak, lilipulin sila ng aking kamay. Ikaw ay humihip ng iyong hangin, at tinabunan sila ng karagatan, Sila'y lumubog na parang tingga sa tubig na makapangyarihan. "Sinong tulad mo, O PANGINOON, sa mga diyos? Sinong gaya mo, dakila sa kabanalan, nakakasindak sa maluluwalhating gawa, na gumagawa ng mga kababalaghan? Iniunat mo ang iyong kanang kamay, nilamon sila ng lupa. "Iyong pinatnubayan sa iyong wagas na pag-ibig ang iyong tinubos na bayan, sa iyong kalakasan ay inihatid mo sila sa banal mong tahanan. Narinig ng mga bansa, at nanginig sila, mga sakit ang kumapit sa mga naninirahang taga-Filistia. Kaya't ang mga pinuno ng Edom ay nagimbal; sa matatapang sa Moab, ang panginginig sa kanila ay sumakmal, at naupos ang lahat ng taga-Canaan. Sindak at panghihilakbot ang sa kanila'y umabot, dahil sa kadakilaan ng iyong bisig, sila'y parang batong di makakilos; hanggang sa makaraan, O PANGINOON, ang iyong bayan, hanggang ang bayan na iyong binili ay makaraan. Sila'y iyong papapasukin, at sila'y iyong itatanim sa bundok na iyong ari-arian, sa dako, O PANGINOON, na iyong ginawa upang iyong maging tahanan, sa santuwaryo, O PANGINOON, na itinatag ng iyong mga kamay. Ang PANGINOON ay maghahari magpakailanpaman." Sapagkat nang ang mga kabayo ng Faraon ay nagtungo pati ang kanyang mga karwahe at pati ng kanyang mga nangangabayo sa dagat, at pinanunumbalik ng PANGINOON ang tubig ng dagat sa kanila; subalit lumakad ang mga anak ni Israel sa tuyong lupa sa gitna ng dagat. Si Miriam na babaing propeta, na kapatid ni Aaron ay humawak ng isang pandereta sa kanyang kamay; at sumunod ang lahat ng mga babae sa kanya, na may mga pandereta at nagsayawan. Sila'y inawitan ni Miriam: "Umawit kayo sa PANGINOON, sapagkat siya'y maluwalhating nagtagumpay; nang inihagis niya sa dagat ang kabayo at ang doo'y nakasakay." Patuloy na pinangunahan ni Moises ang Israel mula sa Dagat na Pula, at sila'y lumabas sa ilang ng Shur; sila'y lumakad ng tatlong araw sa ilang at hindi nakatagpo ng tubig. Nang sila'y dumating sa Mara, hindi nila mainom ang tubig sa Mara, sapagkat ito ay mapait. Kaya't tinawag itong Mara. Nagreklamo ang bayan kay Moises, na sinasabi, "Anong aming iinumin?" Siya'y dumaing sa PANGINOON at itinuro sa kanya ng PANGINOON ang isang punungkahoy; inihagis niya ito sa tubig, at ang tubig ay tumamis. Doon, gumawa ang PANGINOON para sa kanila ng isang batas at tuntunin. Doon ay sinubok niya sila, na sinasabi, "Kung iyong diringgin ng buong tiyaga ang tinig ng PANGINOON mong Diyos, at iyong gagawin ang matuwid sa kanyang mga mata, at iyong susundin ang kanyang mga utos, at iyong tutuparin ang lahat ng kanyang mga batas, wala akong ilalagay na karamdaman sa iyo, na gaya ng inilagay ko sa mga Ehipcio; sapagkat ako ang PANGINOON na nagpapagaling sa iyo." Sila'y dumating sa Elim, kung saan mayroong labindalawang bukal ng tubig, at pitumpung puno ng palma; at sila'y humimpil doon sa tabi ng tubig. Sila'y naglakbay mula sa Elim, at ang buong kapulungan ng bayan ng Israel ay dumating sa ilang ng Sin na nasa pagitan ng Elim at Sinai, nang ikalabinlimang araw ng ikalawang buwan, pagkatapos na sila'y umalis sa lupain ng Ehipto. Nagreklamo ang buong kapulungan ng bayan ng Israel laban kina Moises at Aaron sa ilang. Sinabi ng mga anak ni Israel sa kanila, "Namatay na sana kami sa pamamagitan ng kamay ng PANGINOON sa lupain ng Ehipto, nang kami ay maupo sa tabi ng mga palayok ng karne at kumain ng tinapay hanggang sa mabusog; sapagkat kami ay inyong dinala sa ilang na ito upang patayin sa gutom ang buong kapulungang ito." Nang magkagayo'y sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Kayo'y aking pauulanan ng tinapay mula sa langit. Lalabas at mamumulot ang taong-bayan araw-araw ng bahagi sa bawat araw upang aking masubok sila, kung sila'y lalakad ayon sa aking kautusan, o hindi. Sa ikaanim na araw, kapag sila'y maghahanda ng kanilang dala, iyon ay doble ang dami ng kanilang pinupulot sa araw-araw." At sinabi nina Moises at Aaron sa lahat ng mga anak ni Israel, "Pagsapit ng gabi, inyong malalaman na ang PANGINOON ang siyang naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto, at sa kinaumagahan ay inyong makikita ang kaluwalhatian ng PANGINOON, sapagkat kanyang naririnig ang inyong mga pagrereklamo laban sa PANGINOON. Sapagkat ano kami, na nagrereklamo kayo sa amin?" Sinabi ni Moises, "Kapag binigyan kayo ng PANGINOON sa pagsapit ng gabi ng karneng makakain, at sa kinaumagahan ay ng pagkaing makakabusog, sapagkat naririnig ng PANGINOON ang inyong mga pagrereklamo na inyong sinasabi laban sa kanya, at ano kami? Ang inyong mga pagrereklamo ay hindi laban sa amin, kundi laban sa PANGINOON." Sinabi ni Moises kay Aaron, "Sabihin mo sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, 'Lumapit kayo sa harap ng PANGINOON, sapagkat kanyang narinig ang inyong mga reklamo.'" Pagkatapos magsalita si Aaron sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, sila'y tumingin sa dakong ilang, at ang kaluwalhatian ng PANGINOON ay lumitaw sa ulap. Ang PANGINOON ay nagsalita kay Moises, "Aking narinig ang mga reklamo ng mga anak ni Israel; sabihin mo sa kanila, 'Pagsapit ng gabi ay kakain kayo ng karne, at kinaumagahan ay magpapakabusog sa tinapay; at inyong makikilala na ako ang PANGINOON ninyong Diyos.'" Nang sumapit na ang gabi, ang mga pugo ay umahon at tinakpan ang kampo at sa kinaumagahan ay nakalatag sa palibot ng kampo ang hamog. Nang pumaitaas na ang hamog, may nakalatag sa ibabaw ng ilang na munting bagay na bilog at kasinliit ng namuong hamog sa ibabaw ng lupa. Nang makita ito ng mga anak ni Israel ay sinabi nila sa isa't isa, "Ano ito?" Sapagkat hindi nila alam kung ano iyon. At sinabi ni Moises sa kanila, "Ito ang tinapay na ibinigay ng PANGINOON sa inyo upang kainin. Ito ang bagay na iniutos ng PANGINOON, 'Pumulot ang bawat tao ayon sa kanyang kailangan, isang omer para sa bawat tao ayon sa bilang ng mga tao, na mayroon ang bawat isa sa kanilang mga tolda.'" Gayon ang ginawa ng mga anak ni Israel, may namulot nang marami at may kaunti. Subalit nang sukatin nila ito sa omer, ang namulot ng marami ay walang lumabis, at ang namulot ng kaunti ay hindi kinulang; bawat tao ay pumulot ng ayon sa kanyang kailangan. Sinabi ni Moises sa kanila, "Sinuman ay huwag magtira niyon hanggang sa umaga." Gayunma'y hindi sila nakinig kay Moises; kundi ang iba sa kanila ay nagtira niyon hanggang sa umaga. Inuod at bumaho iyon, at nagalit sa kanila si Moises. Sila'y namumulot tuwing umaga, bawat tao ayon sa kanyang kailangan, ngunit kapag ang araw ay umiinit na, ito ay natutunaw. Nang ikaanim na araw, pumulot sila ng pagkain na doble ang dami, dalawang omer sa bawat isa, at lahat ng pinuno ng kapulungan ay naparoon at sinabi kay Moises. Kanyang sinabi sa kanila, "Ito ang iniutos ng PANGINOON, 'Bukas ay taimtim na pagpapahinga, banal na Sabbath sa PANGINOON. Lutuin ninyo ang inyong lulutuin, at pakuluan ninyo ang inyong pakukuluan; at lahat ng lalabis ay itago ninyo, inyong ititira hanggang sa kinabukasan.'" At kanilang itinago hanggang sa kinaumagahan, gaya ng iniutos sa kanila ni Moises; at hindi ito bumaho, at hindi nagkaroon ng uod. Sinabi ni Moises, "Kainin ninyo ito ngayon; sapagkat ngayo'y Sabbath para sa PANGINOON, ngayo'y hindi kayo makakakita nito sa parang. Anim na araw kayong mamumulot nito, ngunit sa ikapitong araw na siyang Sabbath, ay hindi magkakaroon nito." Sa ikapitong araw, lumabas ang iba sa bayan upang mamulot ngunit wala silang natagpuan. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Hanggang kailan ninyo tatanggihang tuparin ang aking mga utos at ang aking mga batas? Tingnan ninyo, ibinigay sa inyo ng PANGINOON ang Sabbath, kaya't kanyang ibinibigay sa inyo sa ikaanim na araw ang pagkain na para sa dalawang araw; manatili ang bawat tao sa kanyang kinaroroonan, huwag umalis ang sinuman sa kanyang kinaroroonan, sa ikapitong araw." Kaya ang taong-bayan ay nagpahinga sa ikapitong araw. Iyon ay pinangalanan ng sambahayan ng Israel na manna, at iyon ay tulad ng buto ng kulantro, maputi at ang lasa niyon ay tulad ng manipis na tinapay na may pulot. Sinabi ni Moises, "Ito ang bagay na iniutos ng PANGINOON, 'Magtabi kayo ng isang omer ng manna na inyong itatago sa buong panahon ng inyong mga salinlahi, upang kanilang makita ang tinapay na aking ipinakain sa inyo sa ilang nang kayo'y aking ilabas sa lupain ng Ehipto.'" At sinabi ni Moises kay Aaron, "Kumuha ka ng isang palayok at lagyan mo ng isang omer na puno ng manna, at ilagay mo sa harap ng PANGINOON upang maingatan sa buong panahon ng inyong mga salinlahi." Kung paanong iniutos ng PANGINOON kay Moises ay gayon inilagay ni Aaron sa harap ng tipan upang ingatan. Ang mga anak ni Israel ay kumain ng manna sa loob ng apatnapung taon, hanggang sa sila'y dumating sa lupaing matitirahan. Sila'y kumain ng manna hanggang sa sila'y dumating sa mga hangganan ng lupain ng Canaan. Ang isang omer ay ikasampung bahagi ng isang efa. Ang buong kapulungan ng mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa ilang ng Sin, ayon sa mga lugar na kanilang nilakbay sa utos ng PANGINOON, at nagkampo sa Refidim; at walang tubig na mainom ang taong-bayan. Kaya't ang taong-bayan ay nakipagtalo kay Moises at nagsabi, "Bigyan mo kami ng tubig na maiinom." At sinabi ni Moises sa kanila, "Bakit kayo nakikipagtalo sa akin? Bakit ninyo sinusubok ang PANGINOON?" Subalit ang taong-bayan ay nauhaw roon at sila ay nagreklamo laban kay Moises at sinabi, "Bakit mo kami inilabas mula sa Ehipto, upang patayin mo sa uhaw, kami, ang aming mga anak, at ang aming kawan?" Kaya't si Moises ay dumaing sa PANGINOON, na nagsasabi, "Anong aking gagawin sa bayang ito? Kulang na lamang ay batuhin nila ako." Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Dumaan ka sa harap ng taong-bayan, at isama mo ang matatanda ng Israel; at dalhin mo ang tungkod na iyong ipinalo sa ilog, at humayo ka. Ako'y tatayo sa harap mo roon sa ibabaw ng bato sa Horeb; at iyong hahampasin ang bato, at bubukalan ito ng tubig, upang ang bayan ay makainom." At gayon ang ginawa ni Moises sa paningin ng matatanda sa Israel. Tinawag niya ang pangalan ng dakong iyon na Massah at Meriba, dahil sa pakikipagtalo ng mga anak ni Israel, at dahil kanilang sinubok ang PANGINOON, na kanilang sinasabi, "Ang PANGINOON ba'y nasa kalagitnaan natin o wala?" Nang magkagayo'y dumating si Amalek at nakipaglaban sa Israel sa Refidim. Sinabi ni Moises kay Josue, "Pumili ka para sa atin ng mga lalaki, lumabas ka at lumaban kay Amalek. Bukas ay tatayo ako sa taluktok ng burol na hawak ang tungkod ng Diyos sa aking kamay." Ginawa ni Josue ang sinabi ni Moises sa kanya, at nakipaglaban kay Amalek; at sina Moises, Aaron at Hur ay umakyat sa tuktok ng burol. Kapag itinataas ni Moises ang kanyang kamay ay nananalo ang Israel; at kapag kanyang ibinababa ang kanyang kamay ay nananalo ang Amalek. Subalit ang mga kamay ni Moises ay nangalay, kaya't sila'y kumuha ng isang bato at inilagay sa ibaba, at kanyang inupuan. Inalalayan nina Aaron at Hur ang kanyang mga kamay, ang isa'y sa isang panig, at ang isa'y sa kabilang panig; at ang kanyang mga kamay ay nanatili sa itaas hanggang sa paglubog ng araw. Nilupig ni Josue si Amalek at ang bayan nito sa pamamagitan ng talim ng tabak. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Isulat mo ito bilang alaala sa isang aklat, at basahin mo ito sa pandinig ni Josue na aking lubusang buburahin ang alaala ni Amalek sa ilalim ng langit." Nagtayo si Moises ng isang dambana at pinangalanan ito ng, Ang PANGINOON ay aking watawat. Kanyang sinabi, "May kamay sa watawat ng PANGINOON. Ang PANGINOON ay makikipagdigma kay Amalek mula sa isang salinlahi hanggang sa susunod na salinlahi." Si Jetro na pari sa Midian, biyenan ni Moises, ay nakabalita ng lahat na ginawa ng Diyos kay Moises at sa Israel na kanyang bayan, kung paanong inilabas ng PANGINOON ang Israel sa Ehipto. Noon ay isinama ni Jetro, na biyenan ni Moises, si Zifora na asawa ni Moises, pagkatapos niyang paalisin siya, at ang dalawa niyang anak na lalaki. Ang pangalan ng isa'y Gershom (sapagkat sinabi niya, "Ako'y naging manlalakbay sa ibang lupain"), at ang pangalan ng isa'y Eliezers (sapagkat kanyang sinabi, "Ang Diyos ng aking ama ang aking naging saklolo, at ako'y iniligtas sa tabak ng Faraon"). Si Jetro, na biyenan ni Moises ay dumating na kasama ang kanyang mga anak at ang kanyang asawa kay Moises sa ilang kung saan siya humimpil sa bundok ng Diyos. Kanyang ipinasabi kay Moises, "Akong iyong biyenang si Jetro ay naparito sa iyo, kasama ang iyong asawa at ang kanyang dalawang anak na lalaki." Si Moises ay lumabas upang salubungin ang kanyang biyenan, at kanyang niyukuran at hinalikan. Sila'y nagtanungan sa isa't isa ng kanilang kalagayan at sila'y pumasok sa tolda. Isinalaysay ni Moises sa kanyang biyenan ang lahat ng ginawa ng PANGINOON sa Faraon at sa mga Ehipcio alang-alang sa Israel, ang lahat ng hirap na kanilang naranasan sa daan, at kung paanong iniligtas sila ng PANGINOON. Ikinagalak ni Jetro ang lahat ng kabutihang ginawa ng PANGINOON sa Israel, na iniligtas sila sa kamay ng mga Ehipcio. At sinabi ni Jetro, "Purihin ang PANGINOON na nagligtas sa inyo, sa kamay ng mga Ehipcio, at sa kamay ng Faraon. Ngayo'y aking nalalaman na ang PANGINOON ay lalong dakila kaysa lahat ng mga diyos sapagkat iniligtas niya ang bayan mula sa kamay ng mga Ehipcio, nang sila'y magpalalo laban sa kanila." Si Jetro, na biyenan ni Moises ay kumuha ng handog na sinusunog at mga alay para sa Diyos. Si Aaron ay dumating kasama ang lahat ng matatanda sa Israel upang kumain ng tinapay na kasalo ng biyenan ni Moises sa harap ng Diyos. Kinabukasan, si Moises ay naupo bilang hukom ng bayan, at ang taong-bayan ay tumayo sa palibot ni Moises mula sa umaga hanggang sa gabi. Nang makita ng biyenan ni Moises ang lahat ng kanyang ginagawa para sa taong-bayan, ay sinabi niya, "Ano itong ginagawa mo para sa bayan? Bakit nauupo kang mag-isa at ang buong bayan ay nakatayo sa palibot mo mula umaga hanggang sa gabi?" Sinabi ni Moises sa kanyang biyenan, "Sapagkat ang bayan ay lumalapit sa akin upang sumangguni sa Diyos. Kapag sila'y may usapin, lumalapit sila sa akin at aking hinahatulan ang isang tao at ang kanyang kapwa. Aking ipinaaalam sa kanila ang mga batas ng Diyos at ang kanyang mga kautusan." Sinabi ng biyenan ni Moises sa kanya, "Ang iyong ginagawa ay hindi mabuti. Ikaw at ang mga taong kasama mo ay manghihina sapagkat ang gawain ay totoong napakabigat para sa iyo; hindi mo ito makakayang mag-isa. Ngayon, makinig ka sa akin. Bibigyan kita ng payo, at sumaiyo nawa ang Diyos! Ikaw ang magiging kinatawan ng bayan sa harap ng Diyos, at dalhin mo ang kanilang mga usapin sa Diyos. Ituturo mo sa kanila ang mga batas at ang mga kautusan at ipapaalam mo sa kanila ang daang nararapat nilang lakaran, at ang gawang kanilang nararapat gawin. Bukod dito'y pipili ka sa buong bayan ng mga lalaking may kakayahan, gaya ng mga may takot sa Diyos, mga lalaking mapagkakatiwalaan at mga napopoot sa suhol. Ilagay mo ang mga lalaking iyon na mamuno sa kanila, mamuno sa libu-libo, sa daan-daan, sa lima-limampu, at sa sampu-sampu. Hayaan mong humatol sila sa bayan sa lahat ng panahon; bawat malaking usapin ay dadalhin nila sa iyo, ngunit bawat munting usapin ay sila-sila ang magpapasiya, upang maging mas madali para sa iyo, at magpapasan silang kasama mo. Kapag ginawa mo ang bagay na ito at iyon ang iniuutos sa iyo ng Diyos, ikaw ay makakatagal, at ang buong bayang ito ay uuwing payapa." Kaya't pinakinggan ni Moises ang kanyang biyenan at ginawa ang lahat ng kanyang sinabi. Pumili si Moises ng mga lalaking may kakayahan sa buong Israel at ginawa niyang pinuno sila sa bayan, mga pinuno ng libu-libo, ng daan-daan, ng lima-limampu, at ng sampu-sampu. Humatol sila sa bayan sa lahat ng panahon; ang mabibigat na usapin ay kanilang dinadala kay Moises, subalit bawat munting usapin ay sila-sila ang nagpapasiya. Pinayagan ni Moises na umalis na ang kanyang biyenan at siya'y umuwi sa sariling lupain. Sa ikatlong bagong buwan, pagkatapos na ang mga anak ni Israel ay makaalis sa lupain ng Ehipto, dumating sila nang araw ding iyon sa ilang ng Sinai. Nang sila'y umalis sa Refidim at dumating sa ilang ng Sinai, humimpil sila sa ilang; at doo'y nagkampo ang Israel sa harap ng bundok. Si Moises ay umakyat tungo sa Diyos, at tinawag siya ng PANGINOON mula sa bundok, na sinasabi, "Ganito ang sasabihin mo sa sambahayan ni Jacob, at sasabihin mo sa mga anak ni Israel: Inyong nakita ang aking ginawa sa mga Ehipcio, at kung paanong dinala ko kayo sa mga pakpak ng agila, at kayo'y inilapit ko sa akin. Kaya't ngayon, kung tunay na inyong susundin ang aking tinig at tutuparin ang aking tipan, kayo ay magiging aking sariling pag-aari na higit sa lahat ng bayan; sapagkat ang buong daigdig ay akin. Sa akin kayo ay magiging isang kaharian ng mga pari at isang banal na bansa. Ito ang mga salitang sasabihin mo sa mga anak ni Israel." Kaya't dumating si Moises at ipinatawag ang matatanda sa bayan at ipinahayag sa harap nila ang lahat ng salitang ito na iniutos ng PANGINOON sa kanya. Ang buong bayan ay nagkaisang sumagot at nagsabi, "Ang lahat ng sinabi ng PANGINOON ay aming gagawin." At iniulat ni Moises ang mga salita ng bayan sa PANGINOON. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Ako'y darating sa iyo sa isang makapal na ulap, upang marinig ng bayan kapag ako'y nakikipag-usap sa iyo, at paniwalaan ka rin nila magpakailanman." At sinabi ni Moises ang mga salita ng bayan sa PANGINOON. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Pumaroon ka sa bayan at italaga mo sila ngayon at bukas, at labhan nila ang kanilang mga kasuotan, at humanda sa ikatlong araw, sapagkat sa ikatlong araw ay bababa ang PANGINOON sa paningin ng buong bayan sa ibabaw ng bundok ng Sinai. Lalagyan mong mga hangganan ang bayan sa palibot, at iyong sasabihin, 'Mag-ingat kayo, kayo'y huwag umakyat sa bundok, o humipo sa hangganan; sinumang humipo sa bundok ay papatayin. Walang kamay na hihipo sa kanya, kundi siya'y babatuhin o papanain; maging hayop o tao ay hindi mabubuhay!' Kapag ang tambuli ay tumunog nang mahaba, aakyat sila sa bundok." Bumaba si Moises sa bayan mula sa bundok, at pinabanal ang bayan, at nilabhan nila ang kanilang mga kasuotan. Kanyang sinabi sa bayan, "Humanda kayo sa ikatlong araw; huwag kayong lalapit sa babae." Sa umaga ng ikatlong araw, kumulog at kumidlat, at may isang makapal na ulap sa ibabaw ng bundok, at ang tunog ng trumpeta ay napakalakas; at ang buong bayan na nasa kampo ay nanginig. Inilabas ni Moises ang bayan sa kampo upang katagpuin ang Diyos; at sila'y tumayo sa paanan ng bundok. Ang buong bundok ng Sinai ay nabalot sa usok, sapagkat ang PANGINOON ay bumaba sa ibabaw niyon na nasa apoy; at ang usok niyon ay pumailanglang na parang usok ng isang hurno, at nayanig nang malakas ang buong bundok. Nang papalakas nang papalakas ang tunog ng trumpeta ay nagsalita si Moises, at sinagot siya ng Diyos sa pamamagitan ng kulog. Ang PANGINOON ay bumaba sa ibabaw ng bundok ng Sinai, sa taluktok ng bundok; at tinawag ng PANGINOON si Moises sa taluktok ng bundok; at si Moises ay umakyat. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Bumaba ka, balaan mo ang bayan, baka sila'y lumampas upang panoorin ang PANGINOON, at mamatay ang marami sa kanila. Gayundin ang mga pari na lumalapit sa PANGINOON ay pabanalin mo, baka ang PANGINOON ay hindi makapagpigil sa kanila." Sinabi ni Moises sa PANGINOON, "Ang bayan ay hindi makakaakyat sa bundok ng Sinai, sapagkat ikaw mismo ang nagbilin sa amin na iyong sinasabi, 'Lagyan mo ng hangganan sa palibot ang bundok, at iyong ariing banal ito.'" Sinabi ng PANGINOON sa kanya, "Bumaba ka; at ikaw ay umakyat, kasama si Aaron, ngunit ang mga pari at ang taong-bayan ay huwag mong palampasin sa mga hangganan upang umakyat sa PANGINOON, baka siya ay hindi makapagpigil sa kanila." Sa gayo'y bumaba si Moises sa taong-bayan at sinabi sa kanila. Binigkas ng Diyos ang lahat ng salitang ito, na sinasabi, "Ako ang PANGINOON mong Diyos na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin. "Huwag kang magkakaroon ng ibang mga diyos sa harap ko. "Huwag kang gagawa para sa iyong sarili ng inukit na larawan o ng anumang kawangis ng anumang nasa langit sa itaas, o ng nasa lupa sa ibaba, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa. Huwag mo silang yuyukuran, o paglikuran man sila; sapagkat akong PANGINOON mong Diyos ay Diyos na mapanibughuin, na aking pinarurusahan ang mga anak dahil sa kasamaan ng mga magulang hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi ng mga napopoot saakin; ngunit pinagpapakitaan ko ng wagas na pag-ibig ang libu-libong umiibig sa akin at tumutupad ng aking mga utos. "Huwag mong babanggitin ang pangalan ng PANGINOON mong Diyos sa walang kabuluhan, sapagkat hindi pawawalang-sala ng PANGINOON ang sinumang gumagamit ng kanyang pangalan sa walang kabuluhan. "Alalahanin mo ang araw ng Sabbath, upang ingatan itong banal. Anim na araw kang gagawa at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain; ngunit ang ikapitong araw ay Sabbath sa PANGINOON mong Diyos. Sa araw na ito ay huwag kang gagawa ng anumang gawain, ikaw o ang iyong anak na lalaki, ang iyong anak na babae, ang iyong aliping lalaki, ang iyong aliping babae, ang iyong mga baka, ang dayuhang nasa loob ng iyong mga pintuan; sapagkat sa loob ng anim na araw ay ginawa ng PANGINOON ang langit at lupa, ang dagat, at lahat ng naroroon, at nagpahinga sa ikapitong araw; kaya't binasbasan ng PANGINOON ang araw ng Sabbath, at ginawa itong banal. "Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina, upang ang iyong mga araw ay humaba sa lupaing ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos. "Huwag kang papatay. "Huwag kang mangangalunya. "Huwag kang magnanakaw. "Huwag kang magiging sinungaling na saksi laban sa iyong kapwa. "Huwag mong iimbutin ang bahay ng iyong kapwa; huwag mong iimbutin ang asawa ng iyong kapwa, o ang kanyang aliping lalaki o ang kanyang aliping babae, o ang kanyang baka, o ang kanyang asno, o ang anumang bagay ng iyong kapwa." Nang masaksihan ng buong bayan ang mga kulog at kidlat, ang tunog ng trumpeta at ang bundok na umuusok, ay natakot sila at nanginig, at sila'y tumayo sa malayo. Sinabi nila kay Moises, "Magsalita ka sa amin, at aming papakinggan, subalit huwag mong pagsalitain ang Diyos sa amin, baka kami ay mamatay." Sinabi ni Moises sa bayan, "Huwag kayong matakot, sapagkat ang Diyos ay naparito upang subukin kayo, at upang ang takot sa kanya ay sumainyo, upang huwag kayong magkasala." Ang taong-bayan ay tumayo sa malayo at si Moises ay lumapit sa makapal na kadiliman na kinaroroonanng Diyos. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Ganito ang sasabihin mo sa mga anak ni Israel: 'Kayo ang nakakita na ako'y nakipag-usap sa inyo mula sa langit. Huwag kayong gagawa ng mga diyos na pilak na iaagapay sa akin ni huwag kayong gagawa para sa inyo ng mga diyos na ginto. Isang dambanang lupa ang iyong gagawin para sa akin, at iyong iaalay doon ang iyong mga handog na sinusunog, mga handog pangkapayapaan, mga tupa, at mga baka. Sa lahat ng dakong aking ipapaalala ang aking pangalan ay pupunta ako sa iyo at pagpapalain kita. Kung igagawa mo ako ng isang dambanang bato ay huwag mong itatayo ito na may mga tapyas na bato, sapagkat kung iyong gamitin ang iyong patalim doon ay iyong nilapastangan iyon. Huwag kang aakyat sa aking dambana sa pamamagitan ng mga baytang, upang ang iyong kahubaran ay huwag mahayag sa ibabaw niyon.' "Ito naman ang mga tuntunin na igagawad mo sa harap nila. Kapag ikaw ay bumili ng isang lalaking alipin na Hebreo, siya ay maglilingkod ng anim na taon, ngunit sa ikapito ay aalis siyang malaya, walang pananagutan. Kung siya'y pumasok namag-isa, siya ay aalis na mag-isa, kung siya ay pumasok na may asawa, ang kanyang asawa nga ay aalis na kasama niya. Kung siya'y bibigyan ng kanyang amo ng asawa at nagkaanak sa kanya ng mga lalaki o mga babae; ang kanyang asawa at ang kanyang mga anak ay magiging sa kanyang amo, at siya'y aalis na mag-isa. Subalit kung maliwanag na sasabihin ng alipin, 'Mahal ko ang aking amo, ang aking asawa, at ang aking mga anak, ako'y hindi aalis na malaya;' ay dadalhin siya ng kanyang amo sa Diyos," dadalhin siya sa pinto, o sa haligi ng pinto, at bubutasan ng kanyang amo ang kanyang tainga ng isang pambutas; at siya'y maglilingkod sa kanya habambuhay. "Kung ipagbili ng isang lalaki ang kanyang anak na babae bilang isang alipin, hindi siya aalis na gaya ng pag-alis ng mga aliping lalaki. Kung hindi siya kinalugdan ng kanyang amo na umangkin sa kanya bilang asawa, ay kanyang ipapatubos siya; wala siyang karapatang ipagbili siya sa isang dayuhan, yamang siya'y hindi niya pinakitunguhan nang tapat. Kung siya ay itinalaga niya para sa kanyang anak na lalaki, kanyang papakitunguhan siya tulad sa isang malayang anak na babae. Kung siya'y mag-asawa ng iba, ang kanyang pagkain, damit, at karapatan bilang asawa ay hindi niya babawasan. Kung hindi niya gawin ang tatlong bagay na ito para sa kanya, siya ay aalis na walang bayad, na walang itinubos na salapi. "Sinumang manakit ng isang tao at mamatay ito, ay walang pagsalang papatayin. Ngunit kung hindi ito sinasadya ng isang tao, kundi Diyos ang naghulog sa kanyang kamay; ay ipaglalaan kita ng isang lugar na maaaring takbuhan ng nakamatay. Kung magbalak ang sinuman sa kanyang kapwa na patayin siya nang pataksil, aalisin mo siya sa aking dambana upang siya'y mamatay. "Ang manakit sa kanyang ama o sa kanyang ina ay papatayin. "Ang magnakaw ng isang tao, ipagbili man siya o matagpuan sa kanyang kamay, siya ay papatayin. "Ang magmura sa kanyang ama, o sa kanyang ina ay papatayin. "Kapag may nag-away at sinaktan ng isang tao ang kanyang kapwa sa pamamagitan ng bato o ng kanyang kamay, at hindi namatay ang tao, kundi naratay sa higaan; kung makabangon siya uli at makalakad sa tulong ng kanyang tungkod, ligtas sa parusa ang nanakit sa kanya; babayaran lamang niya ang panahong nasayang, at kanyang ipapagamot siyang lubos. "Kung saktan ng sinuman ang kanyang aliping lalaki o aliping babae ng tungkod at mamatay sa kanyang kamay, siya ay parurusahan. Gayunma'y, kung tumagal ang alipin ng isa o dalawang araw, hindi siya parurusahan; sapagkat siya'y kanyang salapi. "Kung mag-away ang dalawang lalaki at makasakit ng isang babaing nagdadalang-tao, na anupa't makunan, at gayunma'y walang pinsalang sumunod, pagbabayarin ang nakasakit, ayon sa iaatang sa kanya ng asawa ng babae; at siya'y magbabayad ng ayon sa ipasiya ng mga hukom. Subalit kung may anumang pinsalang sumunod, magbibigay ka nga ng buhay para sa buhay, mata sa mata, ngipin sa ngipin, kamay sa kamay, paa sa paa, paso sa paso, sugat sa sugat, hagupit sa hagupit. "At kung saktan ng sinuman ang mata ng kanyang aliping lalaki, o ang mata ng kanyang aliping babae at mabulag, kanyang papalayain ang alipin upang matumbasan ang mata. Kung kanyang bungian ng ngipin ang kanyang aliping lalaki o babae ay kanyang palalayain ang alipin dahil sa kanyang ngipin. "Kung suwagin ng isang baka ang isang lalaki o ang isang babae, anupa't namatay, babatuhin ang baka at ang kanyang laman ay hindi kakainin; subalit ang may-ari ng baka ay pawawalang-sala. Ngunit kung ang baka ay dati nang nanunuwag at naisumbong na sa may-ari ngunit hindi niya ikinulong, anupa't nakamatay ng isang lalaki, o isang babae, babatuhin ang baka at ang may-ari niyon ay papatayin din. Kung siya'y atangan ng pantubos, magbibigay siya ng pantubos sa kanyang buhay anuman ang iniatang sa kanya. Kung suwagin nito ang anak na lalaki o babae ng isang tao ay gagawin sa kanya ayon sa kahatulang ito. Kung suwagin ng baka ang isang aliping lalaki o babae ay magbabayad ang may-ari ng tatlumpung siklong pilak sa kanilang amo, at ang baka ay babatuhin. "Kung iwanang bukas ng sinuman ang isang balon, o kung huhukay ng isang balon at hindi ito tatakpan, at ang isang baka o ang isang asno ay mahulog dito, magbabayad ang may-ari ng balon; magbabayad siya ng salapi sa may-ari niyon, at ang patay na hayop ay magiging kanya. "Kung ang baka ng sinuman ay nanakit sa baka ng iba, na anupa't namatay, kanila ngang ipagbibili ang bakang buhay, at kanilang paghahatian ang halaga niyon; at ang patay ay paghahatian din nila. O kung kilala na ang baka ay dati nang manunuwag, at hindi ikinulong ng may-ari, magbabayad siya ng baka sa baka, at ang patay na hayop ay magiging kanya. "Kung ang isang tao ay magnakaw ng isang baka, o ng tupa at patayin, o ipagbili, siya'y magbabayad ng limang baka para sa isang baka, at ng apat na tupa para sa isang tupa. Ang magnanakaw ay gagawa ng pagsasauli; kung wala siyang maisauli, siya'y ipagbibili dahil sa kanyang pagnanakaw. "Kung ang isang magnanakaw ay mahuling pumapasok at siya'y hinampas na kanyang ikinamatay, hindi magkakaroon ng pananagutan sa dugo ang nakapatay, ngunit kung sikatan siya ng araw ay magkakaroon siya ng pananagutan sa dugo. "Kung ang ninakaw ay matagpuang buhay sa kanyang kamay, maging baka o asno, o tupa, ay magbabayad siya ng doble. "Kung ang sinuman ay magpastol sa isang bukid, o sa isang ubasan, at pakawalan ang kanyang hayop at manginain sa bukid ng iba, siya'y magsasauli mula sa pinakamainam sa kanyang sariling bukid, at mula sa kanyang sariling ubasan. "Kung may magningas na apoy at umabot sa mga tinik, na anupa't ang mga mandala, o ang mga uhay, o ang bukid ay masunog, ang nagpaningas ng apoy ay magbabayad ng buo. "Kung ang sinuman ay magpatago sa kanyang kapwa ng salapi o pag-aari, at ito'y ninakaw sa bahay ng taong iyon, at pagkatapos, kung matagpuan ang magnanakaw, magbabayad siya ng doble. Kung hindi matagpuan ang magnanakaw, lalapit ang may-ari ng bahay sa Diyos, upang ipakita kung pinakialaman niya o hindi ang pag-aari ng kanyang kapwa. "Sapagkat sa lahat ng pagsuway, maging para sa baka, sa asno, sa tupa, sa kasuotan, o sa anumang bagay na nawala, na may magsabi na iyon nga ay sa kanya, dadalhin sa harapan ng Diyos ang usapin ng dalawa; ang parurusahan ng Diyos ay magbabayad ng doble sa kanyang kapwa. "Kung ang sinuman ay maghabilin sa kanyang kapwa ng isang asno, o ng isang baka, o ng isang tupa, o ng anumang hayop; at namatay ito, o nasaktan, o hinuli, na walang nakakakitang sinuman, ang pagsumpa nilang dalawa sa PANGINOON ang mamamagitan sa kanila upang makita kung pinakialaman niya o hindi ang pag-aari ng kanyang kapwa; at tatanggapin ng may-ari ang sumpa, at siya'y hindi magsasauli. Subalit kung ninakaw ito sa kanya ay isasauli niya iyon sa may-ari. Kung nilapa ito ng mga hayop, dadalhin niya ito bilang katibayan; hindi siya magsasauli ng anumang nilapa. "Kung ang sinuman ay humiram ng anuman sa kanyang kapwa, at nasaktan ito, o namatay, na hindi kaharap ang may-ari, ang humiram ay magsasauli ng buo. Kung ang may-ari niyon ay kaharap, hindi siya magsasauli; kung ito'y inupahan, dumating ito para sa upanito. "At kung akitin ng isang lalaki ang isang dalaga na hindi pa naipagkakasundong mag-asawa at kanyang sipingan, kanyang ibibigay ang kanyang dote at gagawing kanyang asawa. Kung mahigpit na tumutol ang kanyang ama na ibigay siya sa kanya, ay magbabayad siya ng salapi katumbas ng dote para sa mga dalaga. "Huwag mong pahintulutang mabuhay ang isang babaing mangkukulam. "Sinumang sumiping sa isang hayop ay papatayin. "Ang maghandog sa alinmang diyos, maliban sa PANGINOON lamang, ay lubos na pupuksain. "At huwag mong aapihin, o pahihirapan ang dayuhan, sapagkat kayo'y mga dayuhan din sa lupain ng Ehipto. Huwag ninyong pahihirapan ang sinumang babaing balo, o batang ulila. Kung iyong pahihirapan sila sa anumang paraan, at dumaing sa akin, tiyak na aking diringgin ang kanilang daing; ang aking poot ay mag-aalab, at papatayin ko kayo ng tabak, at ang inyong mga asawa ay magiging mga balo, at ang inyong mga anak ay magiging mga ulila. "Kung magpautang ka ng salapi sa kaninuman sa aking bayan sa dukhang kasama mo, huwag mo silang papakitunguhan bilang taga-pagpautang; huwag mo siyang papatungan ng tubo. Kung iyong kunin ang damit ng iyong kapwa bilang sangla, isasauli mo iyon sa kanya bago lumubog ang araw; sapagkat iyon lamang ang kanyang saplot, iyon ang kanyang pantakip sa kanyang katawan, ano pa ang kanyang ipapantulog? At kapag siya'y dumaing sa akin ay aking diringgin sapagkat ako'y mahabagin. "Huwag mong lalapastanganin ang Diyos, ni lalaitin man ang pinuno ng iyong bayan. "Huwag mong ipagpapaliban ang paghahandog ng mula sa iyong mga ani, at ng mula sa umagos sa iyong mga pisaan. "Ang panganay sa iyong mga anak na lalaki ay ibibigay mo sa akin. Gayundin ang gagawin mo sa iyong mga baka at sa iyong mga tupa: pitong araw itong makakasama ng kanyang ina; sa ikawalong araw ay ibibigay mo ito sa akin. "Kayo'y magiging mga taong itinalaga para sa akin; kaya't huwag kayong kakain ng anumang laman na nilapa ng mababangis na hayop sa parang; inyong itatapon ito sa mga aso. "Huwag kang magkakalat ng di-totoong balita. Huwag kang makikipag-kapit kamay sa taong masama upang maging isang saksing may masamang hangarin. Huwag kang susunod sa marami upang gumawa ng masama, ni magbibigay patotoo sa isang usapin na kumakampi sa marami upang baluktutin ang katarungan; ni huwag mo ring papanigan ang dukha sa kanyang usapin. "Kung iyong makita ang baka ng iyong kaaway o ang kanyang asno na nakawala, ito ay ibabalik mo sa kanya. Kung iyong makita ang asno ng napopoot sa iyo na nakalugmok sa ilalim ng kanyang pasan, huwag mo siyang iiwan sa gayong kalagayan, tulungan mo siyang buhatin ito. "Huwag mong babaluktutin ang katarungang nararapat sa iyong dukha sa kanyang usapin. Layuan mo ang maling paratang at huwag mong papatayin ang walang sala at ang matuwid, sapagkat hindi ko pawawalang-sala ang masama. Huwag kang tatanggap ng suhol, sapagkat ang suhol ay bumubulag sa mga pinuno at sinisira ang mga salita ng mga banal. "Ang dayuhan ay huwag mong aapihin, sapagkat alam ninyo ang puso ng dayuhan yamang kayo'y naging mga dayuhan sa lupain ng Ehipto. "Anim na taong hahasikan mo ang iyong lupa at aanihin mo ang bunga niyon; subalit sa ikapitong taon ay iyong pagpahingahin ito at hayaang tiwangwang, upang ang dukha sa iyong bayan ay makakain. Ang kanilang maiiwan ay kakainin ng hayop sa bukid. Gayundin ang iyong gagawin sa iyong ubasan at sa iyong taniman ng olibo. 'Anim na araw na gagawin mo ang iyong gawain, ngunit sa ikapitong araw ay magpapahinga ka upang ang iyong baka at ang iyong asno ay makapagpahinga, at ang anak na lalaki ng iyong aliping babae, at ang taga-ibang bayan ay makapagpahinga. Ingatan ninyo ang lahat ng mga bagay na aking sinabi sa inyo; at huwag ninyong banggitin ang pangalan ng ibang diyos, o marinig man sa inyong bibig. "Tatlong beses sa bawat taon na magdiriwang ka ng pista para sa akin. Ang pista ng tinapay na walang pampaalsa ay iyong ipagdiriwang; pitong araw na kakain ka ng tinapay na walang pampaalsa, gaya ng iniutos ko sa iyo, sa takdang panahon, sa buwan ng Abib, sapagkat noon ka umalis sa Ehipto. Walang lalapit sa harap ko na walang dala. Iyong ipagdiriwang ang pista ng pag-aani ng mga unang bunga ng iyong pagpapagal, na iyong inihasik sa bukid. Ipagdiriwang mo rin ang pista ng pag-aani, sa katapusan ng taon, kapag inaani mo mula sa bukid ang bunga ng iyong pagpapagal. Tatlong ulit sa bawat taon na ang lahat ng iyong mga kalalakihan ay haharap sa Panginoong DIYOS. "Huwag mong iaalay ang dugo ng aking handog na kasabay ng tinapay na may pampaalsa; o iiwan mo man ang taba ng aking pista hanggang sa kinaumagahan. "Ang mga pinakauna ng mga unang bunga ng iyong lupa ay iyong dadalhin sa bahay ng PANGINOON mong Diyos. "Huwag mong pakukuluan ang batang kambing sa gatas ng kanyang ina. "Aking isinusugo ang isang anghel sa unahan mo, upang ingatan ka sa daan, at upang dalhin ka sa dakong aking inihanda. Mag-ingat kayo sa harap niya at dinggin ninyo ang kanyang tinig; huwag kayong maghimagsik sa kanya, sapagkat hindi niya patatawarin ang inyong pagsuway, sapagkat ang aking pangalan ay nasa kanya. "Subalit kung diringgin mong mabuti ang kanyang tinig at gagawin mo ang lahat ng aking sinasabi ay magiging kaaway ako ng iyong mga kaaway, at kalaban ng iyong mga kalaban. "Sapagkat ang aking anghel ay hahayo sa unahan mo at dadalhin ka sa mga Amoreo, mga Heteo, mga Perezeo, mga Cananeo, mga Heveo, at sa mga Jebuseo, at aking lilipulin sila. Huwag kang yuyukod sa kanilang mga diyos, o maglilingkod man sa mga iyon, o gagawa man ng ayon sa kanilang mga gawa, kundi iyong wawasakin at iyong dudurugin ang kanilang mga haligi. Inyong sasambahin ang PANGINOON ninyong Diyos, at aking pagpapalain ang inyong tinapay at ang inyong tubig, at aalisin ko ang sakit sa gitna ninyo. Walang babaing makukunan, o magiging baog man sa iyong lupain; aking lulubusin ang bilang ng iyong mga araw. Aking susuguin ang sindak sa unahan mo, at lilituhin ko ang buong bayan na iyong paroroonan, at aking patatalikurin sa iyo ang lahat ng iyong mga kaaway. Aking susuguin sa unahan mo ang mga putakti na magpapalayas sa Heveo, sa Cananeo, at Heteo sa harapan mo. Hindi ko sila papalayasin sa harapan mo sa loob ng isang taon; baka ang lupa'y maging ilang, at ang mababangis na hayop ay magsidami laban sa iyo. Unti-unti ko silang papalayasin sa harapan mo, hanggang sa ikaw ay dumami at manahin mo ang lupain. Aking ilalagay ang iyong hangganan mula sa Dagat na Pula hanggang sa dagat ng Filistia, at mula sa ilang hanggang sa Eufrates sapagkat aking ibibigay sa iyong kamay ang mga nananahan sa lupain at iyong papalayasin sila sa harapan mo. Huwag kang makikipagtipan sa kanila, ni sa kanilang mga diyus-diyosan. Sila'y hindi dapat manirahan sa iyong lupain, baka gawin pa nilang magkasala ka laban sa akin; sapagkat kung ikaw ay maglingkod sa kanilang mga diyus-diyosan, tiyak na magiging bitag iyon sa iyo." Kanyang sinabi kay Moises, “Umakyat ka sa kinaroroonan ng PANGINOON, ikaw, at sina Aaron, Nadab at Abihu, at pitumpu sa matatanda sa Israel, at sumamba kayo mula sa malayo. Si Moises lamang ang lalapit sa PANGINOON; subalit ang iba ay huwag lalapit, at ang bayan ay huwag aakyat na kasama niya." Dumating si Moises at sinabi sa bayan ang lahat ng mga salita ng PANGINOON at ang lahat ng mga tuntunin; at ang buong bayan ay sumagot na may isang tinig, at nagsabi, "Lahat ng mga salita na sinabi ng PANGINOON ay aming gagawin." Isinulat ni Moises ang lahat ng mga salita ng PANGINOON, at bumangon siya ng maaga kinaumagahan, at nagtayo ng isang dambana sa paanan ng bundok, at ng labindalawang haligi, ayon sa labindalawang lipi ng Israel. Kanyang sinugo ang mga kabataang lalaki mula sa mga anak ni Israel, na nag-alay ng mga handog na sinusunog at nag-alay ng mga baka bilang handog pangkapayapaan sa PANGINOON. Kinuha ni Moises ang kalahati ng dugo at inilagay sa mga palanggana, at ang kalahati ng dugo ay iwinisik sa ibabaw ng dambana. Kanyang kinuha ang aklat ng tipan, binasa sa pandinig ng bayan, at kanilang sinabi, "Lahat ng sinabi ng PANGINOON ay aming gagawin, at kami ay magiging masunurin." At kinuha ni Moises ang dugo at iwinisik sa bayan, at sinabi, "Tingnan ninyo ang dugo ng tipan na ginawa ng PANGINOON sa inyo ayon sa lahat ng mga salitang ito." Nang magkagayo'y umakyat sina Moises, Aaron, Nadab, at Abihu, at ang pitumpung matatanda sa Israel, at kanilang nakita ang Diyos ng Israel. Sa ilalim ng kanyang mga paa ay mayroong parang isang tuntungan na yari sa mga batong zafiro, at tulad ng langit sa kaliwanagan. Hindi ipinatong ng Diyos ang kanyang kamay sa mga pinuno ng mga anak ni Israel; nakita rin nila ang Diyos, at sila'y kumain at uminom. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Umakyat ka rito sa akin sa bundok, at maghintay ka roon at ibibigay ko sa iyo ang mga tapyas ng bato at ang batas at ang kautusan na aking isinulat, upang iyong maituro sa kanila." Kaya't tumindig si Moises, at si Josue na kanyang lingkod; at si Moises ay umakyat sa bundok ng Diyos. Kanyang sinabi sa matatanda, "Hintayin ninyo kami rito hanggang sa kami ay bumalik sa inyo, at sina Aaron at Hur ay kasama ninyo; sinumang magkaroon ng usapin ay lumapit sa kanila." Umakyat nga si Moises sa bundok at tinakpan ng ulap ang bundok. Ang kaluwalhatian ng PANGINOON ay nanatili sa ibabaw ng bundok ng Sinai, at tinakpan ito ng ulap ng anim na araw; at sa ikapitong araw ay tinawag niya si Moises sa gitna ng ulap. Noon, ang anyo ng kaluwalhatian ng PANGINOON ay tulad ng apoy na nagliliyab sa ibabaw ng taluktok ng bundok, sa paningin ng mga anak ni Israel. Pumasok si Moises sa ulap, at umakyat sa bundok. Si Moises ay nasa bundok sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi. Ang PANGINOON ay nagsalita kay Moises, na sinasabi, "Sabihin mo sa mga anak ni Israel na sila'y magdala sa akin ng isang handog; tanggapin ninyo ang handog para sa akin mula sa bawat tao na ang puso ay nagkukusang-loob. At ito ang handog na inyong kukunin sa kanila: ginto, pilak, tanso, lanang asul, kulay-ube, pula, at lino at pinong hinabing balahibo ng kambing, mga balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at mga balat ng kambing, at kahoy na akasya, langis sa ilawan, mga pampabango sa langis na pampahid, at sa mabangong insenso; mga batong onix, at mga bato sa efod, at sa pektoral. Igawa nila ako ng isang santuwaryo upang ako'y makapanirahan sa gitna nila. Ayon sa lahat ng aking ipinakita sa iyo, sa anyong huwaran ng tabernakulo at sa anyong huwaran ng lahat ng kasangkapan niyon ay gayon ninyo gagawin. "Sila'y gagawa ng isang kabang yari sa kahoy na akasya na may dalawang siko at kalahati ang haba, isang siko't kalahati ang luwang, isang siko't kalahati ang taas. Iyong babalutin ng lantay na ginto; sa loob at sa labas ay iyong babalutin, at igagawa mo ng isang moldeng ginto sa palibot. Bubuo ka ng apat na argolyang ginto para ilagay mo sa apat na paa niyon, dalawang argolya sa isang tagiliran niyon, at dalawang argolya sa kabilang tagiliran niyon. Gagawa ka ng mga pasanang yari sa kahoy na akasya at iyong babalutin ng ginto. Iyong isusuot ang mga pasanan sa mga argolya na nasa mga tagiliran ng kaban, upang mabuhat ang kaban sa pamamagitan ng mga ito. Ang mga pasanan ay mananatili sa loob ng mga argolya ng kaban; hindi aalisin doon ang mga ito. Iyong ilalagay sa loob ng kaban ang mga patotoo na aking ibibigay saiyo. Pagkatapos, gagawa ka ng isang luklukan ng awa na lantay na ginto na may dalawang siko at kalahati ang haba niyon, at isang siko at kalahati ang luwang niyon. At gagawa ka ng dalawang kerubin na ginto; gagawin mo ang mga iyon sa pamamagitan ng pagpitpit, sa dalawang dulo ng luklukan ng awa. Gumawa ka ng isang kerubin sa isang dulo, at ng isang kerubin sa kabilang dulo; sa kaputol ng luklukan ng awa, gagawin mo ang mga kerubin sa dalawang dulo niyon. Ibubuka ng mga kerubin nang paitaas ang kanilang pakpak, na nilililiman ang luklukan ng awa ng kanilang mga pakpak. Sila'y nakaharap sa isa't isa; ang mukha ng kerubin ay nakaharap sa luklukan ng awa. Iyong ilalagay ang luklukan ng awa sa ibabaw ng kaban; at sa loob ng kaban ay iyong ilalagay ang tipan na aking ibibigay sa iyo. Doon ako makikipagtagpo sa iyo, at mula sa ibabaw ng luklukan ng awa, sa gitna ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng kaban ng tipan ay ibibigay ko sa iyo ang lahat ng mga utos ko para sa mga anak ni Israel. 'Gagawa ka ng isang hapag na yari sa kahoy na akasya; dalawang siko ang haba, isang siko ang luwang at isang siko at kalahati ang taas. Iyong babalutin ito ng lantay na ginto, at igagawa mo ng isang moldeng ginto sa palibot. Igagawa mo ito ng isang gilid sa palibot na may isang dangkal ang luwang, at igagawa mo ng isang moldeng ginto ang palibot ng gilid niyon. At igagawa mo ng apat na argolyang ginto, at ilalagay mo ang mga argolya sa apat na sulok na nasa apat na paa niyon. Malalapit sa gilid ang mga argolya, sa daraanan ng mga pasanan, upang madala ang hapag. At gagawin mo ang mga pasanan mula sa kahoy na akasya, at iyong babalutin ng ginto, at ang hapag ay dadalhin sa pamamagitan ng mga iyon. Gagawa ka ng mga pinggan niyon para sa insenso, at ng mga banga at mga mangkok na pagbubuhusan; na iyong gagawing lantay na ginto. At ilalagay mo sa hapag ang tinapay na handog sa harap ko palagi. "Gagawa ka ng isang ilawan na lantay na ginto. Ang paa at tangkay ng ilawan ay yari sa pinitpit na ginto; ang mga sanga, ang mga kopa niyon, at ang mga bulaklak niyon ay isang piraso. At magkakaroon ng anim na sangang lumalabas sa mga tagiliran niyon na kasama nito, tatlong sanga ng ilawan sa isang tagiliran niyon, at tatlong sanga ng ilawan ay sa kabilang tagiliran niyon, tatlong kopa na ginawang tulad ng almendro, bawat isa ay may usbong at isang bulaklak; at tatlong kopang anyong bulaklak ng almendro sa kabilang sanga, isang usbong at isang bulaklak; at gayon sa anim na sangang lumalabas mula sa ilawan. Sa ilawan mismo ay magkakaroon ng apat na kopang anyong bulaklak ng almendro, kasama ng mga usbong at ng mga bulaklak niyon, at magkakaroon ng isang usbong sa ilalim ng bawat pares ng anim na lumalabas sa ilawan. Ang magiging mga usbong at mga sanga niyon ay iisa, ang kabuuan niyon ay isa lamang putol na yari sa pinitpit na lantay na ginto. Igagawa mo ito ng pitong ilaw, at ang mga ilaw ay sisindihan upang magbigay liwanag sa dakong katapat nito. Ang mga pangsipit at ang patungan ay magiging lantay na ginto. Ito ay gagawin sa isang talentong lantay na ginto pati ng lahat ng kasangkapang ito. At tiyakin mong gawin ang mga iyon ayon sa anyong huwaran ng mga iyon na ipinakita sa iyo sa bundok. "Bukod dito'y gagawin mo ang tabernakulo na may sampung tabing ng hinabing pinong lino, at asul, kulay-ube at pula; gagawin mo ang mga iyon na may mga kerubin na mahusay ang pagkakaburda. Ang haba ng bawat tabing ay dalawampu't walong siko, at ang luwang ng bawat tabing ay apat na siko; lahat ng tabing ay magkakapareho ang sukat. Limang tabing ang pagkakabit-kabitin sa isa't isa, at ang iba pang limang tabing ay pagkakabit-kabitin sa isa't isa. Gagawa ka ng mga silo na kulay-asul sa gilid ng tabing sa hangganan sa unang pangkat; gayundin, gagawa ka ng mga silo sa gilid ng tabing sa hangganan sa ikalawang pangkat. Limampung silo ang gagawin mo sa isang tabing, limampung silo ang gagawin mo sa gilid ng tabing na nasa ikalawang pangkat, ang mga silo ay magkakatapat sa isa't isa. Limampung kawit na ginto ang iyong gagawin, at pagkakabitin mo ang mga tabing sa pamamagitan ng mga kawit upang ang tabernakulo ay maging isang buo. "Gagawa ka rin ng mga tabing na balahibo ng kambing bilang tolda sa ibabaw ng tabernakulo; labing-isang tabing ang iyong gagawin. Ang haba ng bawat tabing ay tatlumpung siko, at ang luwang ng bawat tabing ay apat na siko; ang labing-isang tabing ay magkakapareho ang sukat. Pagkakabitin mo ang limang tabing, at gayundin ang anim na tabing, at ititiklop mo ang ikaanim na tabing sa harapan ng tolda. Limampung silo ang gagawin mo sa tagiliran ng isang tabing na nasa hangganan ng isang pangkat, at limampung silo ng tabing sa tagiliran ng ikalawang pangkat. "Gagawa ka ng limampung kawit na tanso, at ikakabit mo ang mga kawit sa mga silo at pagkakabitin mo ang tolda upang maging isa. Ang bahaging nalalabi sa mga tabing ng tolda, na siyang kalahati ng tabing na nalalabi ay ilalaylay sa likuran ng tabemakulo. Ang siko sa isang dako at ang siko sa kabilang dako na nalalabi sa haba ng mga tabing ng tolda ay ilalaylay sa mga tagiliran ng tabernakulo, sa dakong ito at sa dakong iyon, upang takpan ito. Gagawa ka ng isang pantakip sa tolda na balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at isang pantakip na balat ng kambing. "Igagawa mo ng mga patayong haligi ang tabernakulo mula sa kahoy na akasya. Sampung siko ang magiging haba ng isang haligi, at isang siko at kalahati ang luwang ng bawat haligi. Magkakaroon ng dalawang mitsa sa bawat haligi na pagkakabit-kabitin; ito ang gagawin mo sa lahat ng mga haligi ng tabemakulo. Gagawin mo ang mga haligi para sa tabemakulo: dalawampung haligi sa gawing timog; at apatnapung patungang pilak upang ilagay sa ilalim ng dalawampung haligi, dalawang patungan sa bawat haligi na ukol sa dalawang mitsa nito, at dalawang patungan sa ilalim ng ibang haligi para sa dalawa nitong mitsa; at para sa ikalawang panig ng tabernakulo, sa gawing hilaga ay dalawampung haligi, at ang apatnapung patungang pilak ng mga ito, dalawang patungan sa ilalim ng isang haligi, at dalawang patungan sa ilalim ng kabilang haligi. Sa likod ng tabernakulo, sa gawing kanluran, ay gagawa ka ng anim na haligi. Gagawa ka ng dalawang haligi para sa mga sulok ng tabernakulo sa likod, magkahiwalay ang mga ito sa ibaba, ngunit magkarugtong sa itaas, sa unang argolya; gayon ang gagawin sa dalawa; ang mga ito ay bubuo sa dalawang sulok. At magkakaroon ng walong haligi na ang kanilang mga patungang pilak ay labing-anim na patungan; dalawang patungan sa ilalim ng isang haligi, at dalawang patungan sa ilalim ng kabilang haligi. "Gagawa ka ng mga biga ng kahoy na akasya; lima para sa mga haligi ng isang panig ng tabemakulo; at limang biga para sa mga haligi ng kabilang panig ng tabemakulo, at limang biga sa mga haligi ng panig ng tabemakulo sa likod, sa gawing kanluran. Ang gitnang biga ay daraan sa kalagitnaan ng mga haligi mula sa isang dulo hanggang sa kabila. Babalutin mo ng ginto ang mga haligi at gagamitan mo ng ginto ang mga argolya ng mga ito na kakabitan ng mga biga; at babalutin mo ng ginto ang mga biga. At itatayo mo ang tabernakulo ayon sa planong ipinakita sa iyo sa bundok. "Gagawa ka ng isang tabing na asul at kulay-ube, at pula at hinabing pinong lino; na may mga kerubin na mahusay na ginawa. Isasabit mo ito sa apat na haliging akasya na balot ng ginto, na may kawit na ginto na nakapatong sa ibabaw ng apat na patungang pilak. Isasabit mo ang tabing sa ilalim ng mga kawit, at iyong ipapasok doon sa loob ng tabing ang kaban ng tipan; at paghihiwalayin ng mga tabing para sa inyo ang dakong banal at ang dakong kabanal-banalan. Ilalagay mo ang luklukan ng awa sa ibabaw ng kaban ng tipan, sa dakong kabanal-banalan. Ilalagay mo ang hapag sa labas ng tabing, at ang ilawan ay sa tapat ng hapag sa gawing timog ng tabernakulo at ang hapag ay ilalagay mo sa gawing hilaga. "Igagawa mo ng isang tabing ang pintuan ng tolda, na telang asul, kulay-ube, at pula, at hinabing pinong lino na ginawa ng mambuburda. Igagawa mo ang tabing ng limang haliging akasya at babalutin mo ng ginto. Ang kawit ng mga iyon ay ginto rin, at gagawa ka ng limang patungang tanso para sa mga ito. "Gagawin mo ang dambana na yari sa kahoy na akasya na limang siko ang haba at limang siko ang luwang; ang dambana ay gagawing parisukat at ang taas nito ay tatlong siko. Gagawa ka ng mga sungay para dito sa ibabaw ng apat na sulok niyon; ang mga sungay ay kakabit nito at iyong babalutin ito ng tanso. Igagawa mo ito ng mga lalagyan ng mga abo, ng mga pala, ng mga palanggana, ng mga pantusok at ng mga lalagyan ng apoy; lahat ng mga kasangkapa'y gagawin mong yari sa tanso. Igagawa mo iyon ng isang parilyang tanso na tila lambat ang yari; at ang ibabaw ng nilambat ay igagawa mo ng apat na argolyang tanso sa apat na sulok niyon. At ilalagay mo ito sa ibaba ng gilid ng dambana upang ang lambat ay umabot hanggang sa kalahatian ng dambana. Igagawa mo ng mga pasanan ang dambana, mga pasanang kahoy na akasya at babalutin mo ng tanso. Ang mga pasanan ay isusuot sa mga argolya, upang ang mga pasanan ay malagay sa dalawang tagiliran ng dambana kapag ito'y binubuhat. Gagawin mo ang dambana na may guwang sa gitna sa pamamagitan ng mga tabla. Tulad ng ipinakita sa iyo sa bundok ay gayon ang gagawin nila. "Gagawin mo ang bulwagan ng tabemakulo. Sa gawing timog, ang bulwagan ay magkakaroon ng mga tabing ng hinabing pinong lino na may isang daang siko ang haba sa isang tagiliran; ang dalawampung haligi at ang kanilang mga patungan ay dapat yari sa tanso, ngunit ang kawit ng mga haligi at ang mga baras na sabitan ng mga iyon ay pilak. Gayundin para sa haba nito sa gawing hilaga ay magkakaroon ng mga tabing na isandaang siko ang haba, at ang dalawampung haligi ng mga iyon pati ang mga patungang tanso, ngunit ang mga kawit ng mga haligi at ang mga baras na sabitan ng mga iyon ay pilak. Ang luwang ng bulwagan sa kanluran ay magkakaroon ng mga tabing na may limampung siko, ang haligi ng mga iyon ay sampu at ang mga patungan ng mga iyon ay sampu. Ang luwang ng bulwagan sa gawing silangan ay limampung siko. Ang mga tabing sa isang dako ng pintuan ay labinlimang siko na may tatlong haligi, at tatlong patungan. Sa kabilang panig ang mga tabing ay may labinlimang siko, may tatlong haligi at tatlong patungan. Sa pintuan ng bulwagan ay magkakaroon ng isang tabing na may dalawampung siko, na ang tela ay asul, kulay-ube, at pula, at hinabing pinong lino na ginawa ng mambuburda; ang mga haligi ng mga iyon ay apat at ang mga patungan ng mga iyon ay apat. Lahat ng haligi sa palibot ng bulwagan ay pagkakabitin ng mga baras na pilak; ang mga kawit ng mga iyon ay pilak, at ang mga patungan ay tanso. Ang haba ng bulwagan ay isang daang siko, at ang luwang ay limampu, at ang taas ay limang siko, na may hinabing pinong lino, at ang mga patungan ay tanso. Lahat ng mga kasangkapan ng tabemakulo, sa bawat paglilingkod doon, at lahat ng mga tulos niyon, at lahat ng mga tulos ng bulwagan ay tanso. "Iyong iuutos sa mga anak ni Israel na sila'y magdala sa iyo ng dalisay na langis ng binayong olibo para sa ilawan, upang ang ilawan ay palaging may sindi. Sa toldang tipanan, sa labas ng tabing na nasa harap ng kaban ng patotoo ay aayusin iyon ni Aaron at ng kanyang mga anak mula sa hapon hanggang sa umaga sa harapan ng PANGINOON. Ito ay magiging batas sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi sa mga anak ni Israel. "Ilapit mo sa iyo si Aaron na iyong kapatid at ang kanyang mga anak na kasama niya, mula sa mga anak ni Israel, upang makapaglingkod sa akin bilang mga pari — si Aaron at ang mga anak ni Aaron na sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. Igagawa mo ng mga banal na kasuotan si Aaron na iyong kapatid para sa kaluwalhatian at kagandahan. At sabihin mo sa lahat ng may kakayahan na aking pinagkalooban ng kasanayan na kanilang gawin ang kasuotan ni Aaron, upang siya'y italaga sa pagkapari para sa akin. Ito ang mga kasuotang kanilang gagawin: isang pektoral, isang efod, isang balabal, isang tunika na tinahing guhit-guhit na anyong parisukat, isang turbante at isang pamigkis; at kanilang igagawa ng mga banal na kasuotan si Aaron na iyong kapatid, at ang kanyang mga anak, upang maglingkod sa akin bilang mga pari. "Gagamit sila ng ginto, at ng telang asul, kulay-ube, at pula, at ng hinabing pinong lino. Kanilang gagawin ang efod na ginto, at may telang asul, kulay-ube, pula, at hinabing pinong lino, na ginawa ng isang bihasang manggagawa. Magkakaroon ito ng dalawang pambalikat na nakakabit sa dalawang dulo niyon; upang magkadugtong. Ang mahusay na hinabing pamigkis na nasa ibabaw ng efod upang ibigkis ay gagawing gaya ng pagkagawa at kagamitan sa efod, na ginto, telang asul, kulay-ube, at pula, at hinabing pinong lino. Kukuha ka ng dalawang batong onix, at iyong iuukit sa ibabaw ng mga iyon ang mga pangalan ng mga anak ni Israel — anim sa kanilang mga pangalan ay sa isang bato, at ang mga pangalan ng anim na natitira ay sa isa pang bato, ayon sa kanilang kapanganakan. Tulad ng pag-ukit ng pantatak ng mang-uukit sa bato iyong iuukit sa dalawang bato ang mga pangalan ng mga anak ni Israel; iyong kukulungin sa enggasteng ginto. Iyong ilalagay ang dalawang bato sa ibabaw ng pambalikat ng efod, upang maging mga batong alaala para sa mga anak ni Israel; at papasanin ni Aaron ang kanilang mga pangalan sa harapan ng PANGINOON, sa ibabaw ng kanyang dalawang balikat, upang maging alaala. Gagawa ka ng mga enggasteng ginto, at ng dalawang tanikalang lantay na ginto, pinilipit tulad ng lubid; at iyong ikakabit ang nilubid na tanikala sa enggaste. "Gagawa ka ng pektoral ng kahatulan, na gawa ng bihasang manggagawa. Gagawin mo iyon na gaya ng pagkagawa sa efod; gagawin mo iyon na yari sa ginto, telang asul, kulay-ube, pula, at hinabing pinong lino. Iyon ay magiging parisukat at nakatiklop; isang dangkal ang haba at isang dangkal ang luwang niyon. Maglalagay ka roon ng apat na hanay ng mga bato. Sa unang hanay ay sardio, topacio, at karbungko; sa ikalawang hanay ay esmeralda, zafiro, at diamante; sa ikatlong hanay ay jacinto, agata, at ametista; sa ikaapat na hanay ay berilo, onix, at jaspe; ang mga ito ay pawang nakalagay sa gintong enggaste. Magkakaroon ng labindalawang bato na may mga pangalan ayon sa mga pangalan ng anak ni Israel; magiging tulad ng mga pantatak, bawat isa'y may ukit na pangalan, na ukol sa labindalawang lipi. Gagawa ka sa ibabaw ng pektoral ng mga tanikalang pinilipit na parang lubid na yari sa lantay na ginto; at igagawa mo ang ibabaw ng pektoral ng dalawang singsing na ginto, at ilalagay mo ang dalawang singsing sa dalawang sulok ng pektoral. Iyong ilalagay ang dalawang nilubid na tanikalang ginto sa dalawang singsing sa mga sulok ng pektoral. Ang dalawang dulo ng dalawang tanikala ay iyong ilalapat sa dalawang enggaste, at iyong ilalagay sa mga pambalikat ng efod, sa harapan. Gagawa ka ng dalawang singsing na ginto, at ilalagay mo sa dalawang sulok ng pektoral sa laylayan niyon na nasa dakong kabaligtaran ng efod. Gagawa ka ng dalawang singsing na ginto, at iyong ikakabit sa dalawang pambalikat ng efod, sa dakong ibaba, sa harapan, na malapit sa dugtungan sa ibabaw ng mahusay na hinabing pamigkis ng efod. Kanilang itatali ang pektoral sa pamamagitan ng mga singsing niyon sa mga singsing ng efod na may taling asul, upang mamalagi sa ibabaw ng mahusay na hinabing pamigkis ng efod, at upang ang pektoral ay hindi makalag sa efod. Kaya't dadalhin ni Aaron ang mga pangalan ng mga anak ni Israel na nasa pektoral ng kahatulan sa tapat ng kanyang puso, kapag siya'y pumapasok sa dakong banal, upang dalhin sila sa patuloy na pag-alaala sa harapan ng PANGINOON. At ilalagay mo sa pektoral ng kahatulan ang Urim at ang Tumim; at ang mga iyon ay ilalagay sa tapat ng puso ni Aaron, kapag siya'y pumapasok sa harapan ng PANGINOON, at dadalhing palagi ni Aaron sa harapan ng PANGINOON ang kahatulan ng mga anak ni Israel sa kanyang puso. "Gagawin mo ang balabal ng efod na purong asul. Magkakaroon ng isang suotan ng ulo na may tupi sa palibot ng suotan, gaya ng butas ng isang kasuotan upang hindi mapunit. Ang laylayan niyon ay igagawa mo ng mga bunga ng granadang asul, kulay-ube, at pula, sa palibot ng laylayan niyon, at mga kampanilyang ginto sa pagitan ng mga iyon, isang kampanilyang ginto at isang bunga ng granada, isang kampanilyang ginto at isang bunga ng granada, sa palibot ng laylayan ng kasuotan. Isusuot ito ni Aaron kapag siya'y nangangasiwa at ang tunog niyon ay maririnig kapag siya'y pumapasok sa dakong banal sa harapan ng PANGINOON, at kapag siya'y lumalabas, upang siya'y huwag mamatay. "Gagawa ka ng isang pinggan na lantay na ginto, at doo'y iuukit mo na ayon sa ukit ng isang pantatak, 'Banal sa PANGINOON.' Iyong ikakabit ito sa ibabaw ng turbante sa pamamagitan ng taling asul, ito'y dapat nasa harapan ng turbante. Ilalagay ito sa noo ni Aaron, at dadalhin ni Aaron sa kanyang sarili ang anumang pagkakasalang napasalin sa banal na handog na itinalaga ng mga anak ni Israel bilang kanilang banal na kaloob; at ito'y ilalagay palagi sa kanyang noo, upang sila'y tanggapin sa harapan ng PANGINOON. "Iyong hahabihin ang kasuotan na anyong parisukat mula sa pinong lino, at iyong gagawin ang turbante mula sa pinong lino, at iyong palalagyan ng burda ang pamigkis. "Iyong igagawa ang mga anak ni Aaron ng mga balabal, mga pamigkis, at mga turbante para sa kaluwalhatian at kagandahan. Iyong ipapasuot ang mga ito kay Aaron na iyong kapatid at sa kanyang mga anak na kasama niya, bubuhusan mo sila ng langis, itatalaga, ibubukod upang maglingkod sa akin bilang mga pari. Iyong igagawa sila ng mga salawal na lino, upang takpan ang kanilang hubad na katawan; mula sa mga balakang hanggang sa mga hita aabot ang mga ito. Isusuot ang mga ito ni Aaron at ng kanyang mga anak kapag sila'y pumapasok sa toldang tipanan, o kapag sila'y lumalapit sa dambana upang maglingkod sa dakong banal; upang sila'y hindi magdala ng kasalanan at mamatay. Ito ay magiging isang walang hanggang batas para sa kanya at sa kanyang mga anak na susunod sa kanya. "Ito ang iyong gagawin sa kanila upang italaga sila, at makapaglingkod sa akin bilang mga pari. Kumuha ka ng isang guyang toro at ng dalawang lalaking tupa na walang kapintasan, at ng tinapay na walang pampaalsa, mga bibingkang walang pampaalsa na hinaluan ng langis, at maninipis na tinapay na walang pampaalsa na pinahiran ng langis. Gagawin mo ang mga ito sa piling harinang trigo. Isisilid mo ito sa isang bakol, at dadalhin mo ang mga ito na nasa bakol, kasama ang toro at ang dalawang lalaking tupa. Si Aaron at ang kanyang mga anak ay iyong dadalhin sa pintuan ng toldang tipanan, at iyong huhugasan sila ng tubig. Kukunin mo ang mga kasuotan, at iyong isusuot kay Aaron ang tunika at ang balabal ng efod, at ang efod, ang pektoral, at bibigkisan mo ng mainam na hinabing pamigkis ng efod: at ipapatong mo ang turbante sa kanyang ulo, at ipapatong mo ang banal na korona sa turbante. Saka mo kukunin ang langis na pambuhos, at ibubuhos mo sa ibabaw ng kanyang ulo, at bubuhusan mo siya ng langis. Pagkatapos, iyong dadalhin ang kanyang mga anak, at susuotan mo sila ng mga tunika, at iyong bibigkisan ng mga pamigkis si Aaron at ang kanyang mga anak, at itatali mo ang mga turbante sa kanilang ulo, at mapapasakanila ang pagkapari sa pamamagitan ng isang panghabam-panahong batas. Gayon mo itatalaga si Aaron at ang kanyang mga anak. "Pagkatapos, iyong dadalhin ang toro sa harap ng toldang tipanan at ipapatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng toro. Papatayin mo ang toro sa harapan ng PANGINOON, sa pintuan ng toldang tipanan. Kukuha ka ng bahagi ng dugong toro, at ilalagay mo iyon sa pamamagitan ng iyong daliri sa ibabaw ng mga sungay ng dambana; at iyong ibubuhos ang lahat ng dugo sa paananng dambana. Kukunin mo lahat ng taba na nakabalot sa bituka, at ang mga taba ng atay, at ang dalawang bato at ang taba ng mga iyon, at susunugin mo sa ibabaw ng dambana. Subalit ang laman ng toro, ang balat, at ang dumi ay iyong susunugin sa apoy sa labas ng kampo; ito ay handog pangkasalanan. "Kukunin mo rin ang isa sa mga lalaking tupa, at ipapatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng lalaking tupa. Papatayin mo ang lalaking tupa, kukunin mo ang dugo, at iyong iwiwisik sa palibot sa ibabaw ng dambana. Pagpuputul-putulin mo ang tupa at huhugasan mo ang mga lamang-loob at ang mga hita, at ipapatong mo sa mga piraso at sa ulo nito. Susunugin mo ang buong tupa sa ibabaw ng dambana; ito ay handog na sinusunog para sa PANGINOON. Ito ay mabangong samyo, isang handog sa pamamagitan ng apoy para sa PANGINOON. "Kukunin mo ang isa pang lalaking tupa at ipapatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng tupa. Papatayin mo ang tupa, kukunin mo ang dugo, at ilalagay mo sa dulo ng kanang tainga ni Aaron, at sa dulo ng kanang tainga ng kanyang mga anak, at sa hinlalaki ng kanilang kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanilang kanang paa, at iwiwisik mo ang natirang dugo sa ibabaw ng dambana sa palibot. Kukuha ka ng bahagi ng dugo na nasa ibabaw ng dambana, at ng langis na pambuhos, at iwiwisik mo kay Aaron at sa kanyang mga kasuotan, at sa kanyang mga anak na kasama niya; pati ang mga kasuotan nila at magiging banal siya at ang kanyang mga kasuotan, at ang kanyang mga anak, at ang mga kasuotan ng kanyang mga anak na kasama niya. "Kukunin mo rin ang taba ng lalaking tupa, at ang matabang buntot, at ang tabang nakabalot sa mga bituka, ang mga taba ng atay, ang dalawang bato, ang taba na nasa ibabaw ng mga iyon, at ang kanang hita (sapagkat iyon ay isang lalaking tupa na itinatalaga), isang malaking tinapay, at isang munting tinapay na may langis, at isang manipis na tinapay sa bakol ng tinapay na walang pampaalsa na nasa harapan ng PANGINOON. Ilalagay mo ang lahat ng ito sa mga kamay niAaron at sa mga kamay ng kanyang mga anak; at iyong iwawagayway ang mga ito bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng PANGlNOON. Kukunin mo sa kanilang mga kamay ang mga ito, at iyong susunugin sa dambana bilang karagdagan sa handog na sinusunog, bilang isang mabangong samyo sa harapan ng PANGINOON; ito ay handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy. "At kukunin mo ang dibdib ng lalaking tupa na itinalaga ni Aaron, at iwawagayway mo ito bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng PANGINOON; at iyon ang magiging iyong bahagi. Iyong itatalaga ang dibdib ng handog na iwinawagayway, at ang hitang iwinawagayway na bahagi ng pari, mula sa lalaking tupa na itinalaga para kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ito ay magiging kay Aaron at sa kanyang mga anak, na bahaging ukol sa kanila sa habang panahon na mula sa mga anak ni Israel, sapagkat ito ang bahagi ng mga pari na ihahandog ng mga anak ni Israel, na kinuha sa kanilang mga handog pangkapayapaan. Ito ay kanilang handog sa PANGINOON. "Ang mga banal na kasuotan ni Aaron ay magiging sa kanyang mga anak pagkamatay niya, upang buhusan ng langis ang mga iyon, at upang italaga sa mga iyon. Pitong araw na isusuot ang mga ito ng anak na magiging pari kapalit niya, kapag siya'y pumapasok sa toldang tipanan upang maglingkod sa dakong banal. "At kukunin mo ang lalaking tupa na itinalaga at ilaga mo ang laman nito sa isang dakong banal. Kakainin ni Aaron at ng kanyang mga anak ang laman ng tupa, at ang tinapay na nasa bakol sa pintuan ng toldang tipanan. Kanilang kakainin ang mga bagay na iyon, na ipinantubos ng sala, upang italaga at pakabanalin sila, subalit hindi kakain niyon ang sinumang dayuhan, sapagkat banal ang mga ito. At kung may lumabis sa laman na itinalaga, o sa tinapay, hanggang sa kinaumagahan, ay iyo ngang susunugin sa apoy ang nalabi, hindi ito kakainin, sapagkat ito'y banal. "Ito ang gagawin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak, ayon sa lahat ng aking iniutos sa iyo; pitong araw mo silang itatalaga. araw-araw ay maghahandog ka ng toro na handog pangkasalanan bilang pantubos. Maghahandog ka rin ng handog pangkasalanan para sa dambana, kapag iyong iginagawa ng katubusan iyon; at iyong bubuhusan ito ng langis upang ito'y maitalaga. Pitong araw na iyong gagawan ng katubusan ang dambana, at iyong pakakabanalin ito, at ang dambana ay magiging kabanal-banalan; anumang humipo sa dambana ay magiging banal. "Ito naman ang iyong ihahandog sa ibabaw ng dambana: dalawang kordero na tig-iisang taong gulang, araw-araw sa habang panahon. Ang isang kordero ay iyong ihahandog sa umaga; at ang isang kordero ay iyong ihahandog sa hapon; at kasama ng unang kordero ang ikasampung bahagi ng mainam na harina na may halong ikaapat na bahagi ng isang hin ng langis na hinalo; at ang ikaapat na bahagi ng isang hin na alak, ang handog na inumin. Ang isa pang kordero ay iyong ihahandog sa hapon, at iyong ihahandog na kasama nito ang handog na butil at handog na inumin tulad ng sa umaga, na mabangong samyo, na isang handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy. Ito ay magiging isang patuloy na handog na sinusunog sa buong panahon ng inyong mga salinlahi sa pintuan ng toldang tipanan, sa harapan ng PANGINOON; kung saan ko kayo tatagpuin, upang makipag-usap ako roon sa iyo. At doo'y makikipagtagpo ako sa mga anak ni Israel, at ito ay pakakabanalin ng aking kaluwalhatian. Aking pakakabanalin ang toldang tipanan, at ang dambana; gayundin si Aaron at ang kanyang mga anak ay aking pakakabanalin upang maglingkod sa akin bilang mga pari. Ako'y mananahan sa gitna ng mga anak ni Israel, at ako'y magiging kanilangDiyos. Kanilang malalaman na ako ang PANGINOON nilang Diyos na naglabas sa kanila sa lupain ng Ehipto, upang ako'y manirahang kasama nila. Ako ang PANGINOON nilang Diyos. "Gagawa ka ng isang dambana na pagsusunugan ng insenso. Ito'y gagawin mo mula sa kahoy na akasya. Isang siko ang magiging haba niyon, at isang siko ang luwang; magiging parisukat iyon, at dalawang siko ang magiging taas; ang mga sungay niyon ay kaisang piraso niyon. Ito'y babalutin mo ng lantay na ginto, ang mga tagiliran sa palibot, at ang mga sungay; at igagawa mo ito ng isang moldeng ginto sa palibot. Igagawa mo ito ng dalawang argolyang ginto sa ilalim ng molde, sa dakong itaas ng dalawang tagiliran mo iyon gagawin; iyon ay magiging suotan ng mga pasanan upang mabuhat ito. Ang iyong gagawing mga pasanan ay kahoy na akasya, at babalutin mo ito ng ginto. Iyong ilalagay ito sa harapan ng tabing na nasa may kaban ng patotoo, sa harapan ng luklukan ng awa na nasa ibabaw ng kaban ng patotoo, kung saan kita kakatagpuin. Maghahandog si Aaron sa ibabaw niyon ng mababangong insenso, tuwing umaga kapag kanyang inaayos ang mga ilaw, ay ihahandog niya iyon, at kapag sinisindihan ni Aaron ang mga ilawan sa gabi, kanyang ihahandog iyon bilang isang insensong patuloy na handog sa harapan ng PANGINOON sa buong panahon ng inyong mga salinlahi. Huwag kayong maghahandog ng hindi banal na insenso sa ibabaw niyon, o ng handog na susunugin, o ng handog na butil man at huwag kayong magbubuhos ng handog na inumin sa ibabaw niyon. Si Aaron ay magsasagawa ng pagtubos sa ibabaw ng mga sungay ng dambana, minsan sa isang taon. Siya ay tutubos ng kasalanan minsan sa isang taon sa pamamagitan ng dugo ng handog pangkasalanan, sa buong panahon ng inyong mga salinlahi; iyon ay kabanal-banalan sa PANGINOON." Ang PANGINOON ay nagsalita kay Moises, na sinasabi, "Pagbilang mo sa mga anak ni Israel, magbibigay ang bawat isa sa kanila ng pantubos ng kanyang sarili sa PANGINOON, kapag iyong binibilang sila, upang huwag magkaroon ng salot sa gitna nila kapag iyong binibilang sila. Bawat mapapasama sa pagbilang ay magbibigay nito: kalahati ng isang siklo ayon sa siklo ng santuwaryo: (ang isang siklo ay dalawampung gera), kalahating siklo bilang handog sa PANGINOON. Bawat mapasama sa pagbilang, mula sa dalawampung taong gulang pataas, ay magbibigay ng handog sa PANGINOON. Ang mayaman ay hindi magbibigay nang higit, at ang dukha ay hindi magbibigay nang kulang sa kalahating siklo, kapag nagbibigay kayo ng handog sa PANGINOON, upang ipantubos sa inyong mga sarili. At iyong kukunin sa mga anak ni Israel ang salaping pantubos at iyong ilalaan sa paglilingkod sa toldang tipanan; na maging pinakaalaala sa mga anak ni Israel sa harapan ng PANGINOON, upang ipantubos sa inyong mga kaluluwa." Ang PANGINOON ay nagsalita kay Moises, "Gagawa ka rin ng isang palangganang yari sa tanso, na may patungang tanso, upang paghugasan. Iyong ilalagay ito sa pagitan ng toldang tipanan at ng dambana, at iyong sisidlan ito ng tubig. Si Aaron at ang kanyang mga anak ay maghuhugas doon ng kanilang mga kamay at mga paa. Kapag sila'y pumapasok sa toldang tipanan ay maghuhugas sila ng tubig, upang sila'y huwag mamatay, o kapag sila'y lumalapit sa dambana upang maglingkod, upang magsunog ng handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy. Kaya't maghuhugas sila ng kanilang mga kamay at mga paa upang huwag silang mamatay. Ito'y magiging isang batas magpakailanman para sa kanila, sa kanya at sa kanyang binhi, sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi." Bukod dito'y sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Magdala ka rin ng pinakamaiinam na pabango: ng purong mira na limang daang siklo, at ng mabangong kanela na kalahati nito ang dami, dalawang daan at limampu; at ng mabangong kalamo na dalawang daan at limampu, at ng kasia, limang daan, ayon sa siklo ng santuwaryo, at ng langis ng olibo na isang hin; at gagawa ka mula sa mga ito ng banal na langis na pambuhos, isang pabangong tinimpla ayon sa pagtitimpla ng manggagawa ng pabango; siya ngang magiging banal na langis na pambuhos. Iyong bubuhusan niyon ang toldang tipanan, at ang kaban ng patotoo, at ang hapag, ang lahat ng mga kasangkapan niyon, ang ilawan at ang mga kasangkapan niyon, at ang dambana ng insenso, ang dambana ng handog na sinusunog kasama ang lahat ng mga kasangkapan, ang palanggana at ang patungan nito. Pakabanalin mo ang mga iyon upang maging kabanal-banalan; sinumang humawak sa mga iyon ay magiging banal. Iyong bubuhusan ng langis si Aaron at ang kanyang mga anak, at itatalaga sila, upang sila'y maglingkod sa akin bilang mga pari. Sasabihin mo sa mga anak ni Israel, 'Ito ang aking magiging banal na langis na pambuhos sa buong panahon ng inyong mga salinlahi. Hindi ito ibubuhos sa laman ng mga karaniwang tao, ni huwag kayong gagawa ng gaya niyan sa pagkakagawa, ito ay banal at ito'y magiging banal sa inyo. Sinumang gumawa ng gaya niyan, o sinumang gumamit niyan sa isang dayuhan ay ititiwalag sa kanyang bayan.'" At sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Magdala ka ng mababangong pabango ng estacte, onix, at galbano; mababangong pabango na may purong kamanyang (na bawat isa'y magkakapareho ng bahagi), at gumawa ka ng insenso, na pabangong ayon sa pagtitimpla ng manggagawa ng pabango, hinaluan ng asin, dalisay at banal. Iyong didikdikin ang iba niyan nang pinung-pino at ilalagay mo sa harapan ng kaban ng tipan. sa loob ng toldang tipanan na doon kita kakatagpuin; ito ay magiging kabanal-banalan para sa inyo. Ang insensong inyong gagawin, ayon sa mga sangkap niyon ay huwag ninyong gagawin para sa inyong sarili; iyon ay aariin mong banal sa PANGINOON. Sinumang gagawa nang gaya niyan, upang gamiting pabango ay ititiwalag sa kanyang bayan." Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Tingnan mo, aking tinawag sa pangalan si Bezaleel na anak ni Uri, na anak ni Hur, sa lipi ni Juda. Aking pinuspos siya ng Espiritu ng Diyos, may kakayahan, katalinuhan, may kaalaman sa iba't ibang uri ng gawain, upang magdibuho ng magagandang disenyo, upang gumawa sa ginto, sa pilak, at sa tanso, upang umukit ng mga batong pang-enggaste, upang gumawa ng mga nililok na kahoy, at upang gumawa sa lahat ng sari-saring gawain. Aking itinalagang kasama niya si Oholiab, na anak ni Ahisamac, sa lipi ni Dan; at sa lahat ng may kakayahang gumawa ay nagbigay ako ng karunungan, upang magawa nila ang lahat ng aking iniutos sa iyo: ang toldang tipunan at ang kaban ng patotoo, at ang luklukan ng awa na nasa ibabaw niyon, at ang lahat ng kasangkapan ng tolda, ang hapag at ang mga kasangkapan niyon at ang dalisay na ilawan, kasama ng lahat na mga kasangkapan; ang dambana ng insenso, ang dambana ng handog na sinusunog kasama ng lahat ng mga kasangkapan niyon, ang lababo at ang patungan niyon; at ang mga kasuotang mahusay ang pagkagawa, ang mga banal na kasuotan para kay Aaron na pari, at ang mga kasuotan ng kanyang mga anak, para sa kanilang paglilingkod bilang mga pari; at ang langis na pambuhos, ang mabangong insenso para sa dakong banal. Ayon sa lahat ng iniutos ko sa iyo ay gagawin nila ang mga ito." At sinabi ng PANGINOON kay Moises, 'Sabihin mo sa mga anak ni Israel, 'Inyong ipapangilin ang aking mga Sabbath, sapagkat ito'y isang tanda sa akin at sa inyo sa buong panahon ng inyong mga salinlahi, upang inyong makilala na akong PANGINOON ang nagpapabanal sa inyo. Inyong ipapangilin ang Sabbath, sapagkat iyon ay banal para sa inyo. Bawat lumapastangan dito ay walang pagsalang papatayin, sapagkat sinumang gumawa ng anumang gawa sa araw na iyon ay ititiwalag sa kanyang bayan. Anim na araw na gagawin ang gawain, subalit ang ikapitong araw ay Sabbath ng taimtim na pagpapahinga, banal sa PANGINOON; sinumang gumawa ng anumang gawa sa araw ng Sabbath ay walang pagsalang papatayin. Kaya't ang mga anak ni Israel ay mangingilin ng Sabbath, na iingatan ang Sabbath sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi, bilang isang palagiang tipan. Ito'y isang tanda sa akin at sa mga anak ni Israel magpakailanman na sa loob ng anim na araw ay ginawa ng PANGINOON ang langit at lupa, at sa ikapitong araw siya ay nagpahinga at naginhawahan.' Pagkatapos na makapagsalita ang Diyos sa kanya sa ibabaw ng bundok ng Sinai, kanyang ibinigay kay Moises ang dalawang tapyas ng tipan, ang mga tapyas na bato na sinulatan ng daliri ng Diyos. Nang makita ng bayan na nagtatagal si Moises ng pagpanaog sa bundok, ay nagtipon ang bayan kay Aaron, at sinabi sa kanya, "Tumindig ka at igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat ang Moises na ito na naglabas sa amin mula sa lupain ng Ehipto, ay hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa kanya." At sinabi ni Aaron sa kanila, "Alisin ninyo ang mga hikaw na ginto na nasa tainga ng inyu-inyung asawa, ng inyong mga anak na lalaki at babae, at dalhin ninyo sa akin." Kaya't inalis ng buong bayan ang mga hikaw na ginto na nasa kanilang mga tainga, at dinala ang mga ito kay Aaron. Kanyang tinanggap ang ginto mula sa kanila at hinubog ito sa pamamagitan ng isang kagamitang panlilok, at ginawang isang hinulmang guya. At kanilang sinabi, "Ang mga ito ang iyong mga diyos, O Israel, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto!" Nang makita ito ni Aaron, nagtayo siya ng isang dambana sa harapan niyon. Nagpahayag si Aaron at sinabi, "Bukas ay isang pista sa PANGINOON." Kinaumagahan, sila'y bumangon nang maaga, nag-alay ng mga handog na sinusunog at nagdala ng mga handog pangkapayapaan; at ang taong-bayan ay naupo upang kumain at mag-inuman at bumangon upang magkatuwaan. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Bumaba ka agad! Ang iyong bayan na inilabas mo mula sa lupain ng Ehipto ay nagpapakasama. Sila'y madaling lumihis sa daan na aking iniutos sa kanila. Sila'y gumawa ng isang hinulmang guya at kanilang sinamba, at hinandugan ito, at kanilang sinabi, 'Ang mga ito ang iyong mga diyos, O Israel, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto!' At sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Aking nakita ang bayang ito, napakatigas ng kanilang ulo. Kaya ngayo'y hayaan mo ako upang ang aking poot ay mag-alab laban sa kanila, at aking lipulin sila. Ngunit ikaw ay aking gagawing isang dakilang bansa." Ngunit nagsumamo si Moises sa PANGINOON niyang Diyos, at sinabi, "PANGINOON, bakit ang iyong poot ay pinag-aalab mo laban sa iyong bayan na iyong inilabas sa lupain ng Ehipto sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan at ng makapangyarihang kamay? Bakit kailangang sabihin ng mga Ehipcio, 'Dahil sa masamang layunin ay kanyang inilabas sila upang patayin sila sa mga bundok, at upang lipulin sila mula sa balat ng lupa?' Iurong mo ang iyong mabangis na poot, at baguhin mo ang iyong isip sa kasamaang ito laban sa iyong bayan. Alalahanin mo si Abraham, si Isaac, at si Israel na iyong mga lingkod. Sa kanila ay sumumpa ka sa iyong sarili, at sinabi mo sa kanila, Aking pararamihin ang inyong binhi na gaya ng mga bituin sa langit, at lahat ng lupaing ito na aking ipinangako ay aking ibibigay sa inyong binhi, at kanilang mamanahin ito magpakailanman.'" At nagbago ang isip ng PANGINOON sa masama na kanyang sinabing gagawin niya sa kanyang bayan. Si Moises ay tumalikod at bumaba sa bundok, dala ang dalawang tapyas ng tipan sa kanyang mga kamay, mga tapyas na may sulat sa magkabilang panig niyon, sa isang panig at sa kabilang panig ay nakasulat ang mga iyon. Ang mga tapyas ay gawa ng Diyos, at ang sulat ay sulat ng Diyos, na nakaukit sa mga tapyas. Nang marinig ni Josue ang ingay ng bayan habang sila'y nagsisigawan, sinabi niya kay Moises, "May ingay ng digmaan sa kampo." Ngunit kanyang sinabi, "Hindi iyon ingay ng sigaw ng pagtatagumpay, o ingay man ng sigaw ng pagkatalo, kundi ingay ng mga umaawit ang aking naririnig." Nang makalapit siya sa kampo, at kanyang makita ang guya at ang pagsasayawan, ang galit ni Moises ay nag-alab, at kanyang ibinato ang mga tapyas na nasa kanyang mga kamay at binasag ang mga ito sa paanan ng bundok. Kanyang kinuha ang guya na kanilang ginawa, sinunog ng apoy, giniling hanggang sa naging pulbos, isinaboy sa tubig, at ipinainom sa mga anak ni Israel. At sinabi ni Moises kay Aaron, "Anong ginawa ng bayang ito sa iyo, na dinalhan mo sila ng isang malaking kasalanan?" Sinabi ni Aaron, "Huwag mag-alab ang galit ng aking Panginoon; kilala mo ang taong-bayan, na sila'y mahilig sa kasamaan. Sapagkat kanilang sinabi sa akin, 'Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat tungkol sa Moises na ito, ang lalaking naglabas sa amin mula sa lupain ng Ehipto ay hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa kanya.' At aking sinabi sa kanila, 'Sinumang may ginto ay hubarin ito,' at kanila namang ibinigay sa akin, at aking inihagis sa apoy at lumabas ang guyang ito!" Nang makita ni Moises na ang bayan ay nagwawala (sapagkat pinabayaan sila ni Aaron na magwala, sa kanilang kahihiyan sa gitna ng kanilang mga kaaway), tumayo si Moises sa pintuan ng kampo, at nagsabi, "Sino ang nasa panig ng PANGINOON? Lumapit kayo sa akin." At lahat ng mga anak ni Levi ay nagtipon sa kanya. Sinabi niya sa kanila, "Ganito ang sabi ng PANGINOONG Diyos ng Israel, 'Ilagay ng bawat lalaki ang kanyang tabak sa kanyang tagiliran. Humayo kayong paroo't parito sa mga pintuan sa buong kampo, at patayin ng bawat lalaki ang kanyang kapatid na lalaki, ng bawat lalaki ang kanyang kasama, at ng bawat lalaki ang kanyang kapwa.'" Ginawa ng mga anak ni Levi ang ayon sa salita ni Moises; at nabuwal ang halos tatlong libong katao sa mamamayan nang araw na iyon. Sinabi ni Moises, "Itinalaga ninyo ang inyong sarili ngayon sa paglilingkod sa PANGINOON, bawat isa sa halaga ng kanyang anak na lalaki o kapatid na lalaki, kaya't kayo ay nagdala sa inyo ng pagpapala sa araw na ito." Kinabukasan, sinabi ni Moises sa bayan, "Kayo'y nagkasala ng malaking kasalanan. Ngayo'y aakyat ako sa PANGINOON; marahil ay aking matutubos ang inyong kasalanan." Kaya't bumalik si Moises sa Panginoon, at sinabi, "O, ang bayang ito'y nagkasala ng malaking kasalanan; at gumawa sila para sa kanilang sarili ng mga diyos na ginto. Ngunit ngayon, kung maaari ay patawarin mo ang kanilang kasalanan — at kung hindi, ay burahin mo ako sa aklat na isinulat mo." Ngunit sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Ang sinumang nagkasala laban sa akin ay siya kong buburahin sa aking aklat. Subalit ngayo'y humayo ka, iyong pangunahan ang bayan patungo sa dakong aking sinabi sa iyo; ang aking anghel ay hahayo sa unahan mo. Gayunman kapag dumating ang araw ng pagpaparusa, aking parurusahan sila sa kanilang mga kasalanan." At ang PANGINOON ay nagpadala ng isang salot sa bayan, sapagkat kanilang ginawa ang guya — yaong ginawa ni Aaron. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Humayo ka, umakyat ka mula rito, ikaw at ang bayan na iyong inilabas mula sa lupain ng Ehipto, patungo sa lupain na aking ipinangako kina Abraham, Isaac, at Jacob, na aking sinasabi, 'Sa iyong mga anak at inapo ay aking ibibigay iyon!' Magsusugo ako ng isang anghel sa unahan mo, at aking palalayasin ang mga Cananeo, mga Amoreo, mga Heteo, mga Perezeo, mga Heveo, at mga Jebuseo. Pumunta ka sa isang lupaing di-nadaluyan ng gatas at pulot, ngunit hindi ako pupuntang kasama ninyo, baka ikaw ay lipulin ko sa daan, sapagkat ikaw ay isang bayang matigas ang ulo." Nang marinig ng taong-bayan ang masasamang balitang ito ay tumangis sila, at walang taong nagsuot ng kanyang mga palamuti. Sapagkat sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Sabihin mo sa mga anak ni Israel, 'Kayo'y isang bayang matigas ang ulo; kung ako'y aakyat na kasama ninyo nang sandali, ay malilipol ko kayo. Kaya't ngayo'y alisin ninyo ang inyong mga palamuti upang aking malaman kung ano ang aking gagawin sa inyo.'" Kaya't hinubad ng mga anak ni Israel ang kanilang mga palamuti, magmula sa bundok ng Horeb. Kinaugalian na ni Moises na dalhin ang tolda at itayo sa labas ng kampo, na malayo sa kampo; kanyang tinawag iyon na toldang tipanan. At bawat maghanap sa PANGINOON ay lumalabas patungo sa toldang tipanan, na nasa labas ng kampo. Kapag si Moises ay lumalabas patungo sa toldang tipanan, ang buong bayan ay tumatayo, bawat lalaki sa pintuan ng kanyang tolda at pinanonood si Moises hanggang sa makapasok siya sa tolda. At kapag si Moises ay pumapasok sa tolda, bumababa ang haliging ulap at tumitigil sa pintuan ng tolda, at ang PANGINOON ay nakikipag-usap kay Moises. Kapag nakikita ng buong bayan na ang haliging ulap ay tumitigil sa pintuan ng tolda, ang buong bayan ay tumitindig at sumasamba, bawat isa sa pintuan ng kanyang tolda. Sa gayon nakikipag-usap ang PANGINOON kay Moises nang mukhaan, gaya ng pakikipag-usap ng isang tao sa kanyang kaibigan. Kapag siya'y bumabalik uli sa kampo, ang kanyang lingkod na si Josue, anak ni Nun, na may kabataan pa, ay hindi umaalis sa tolda. Sinabi ni Moises sa PANGINOON, "Tingnan mo, iyong sinasabi sa akin, 'Dalhin mo ang bayang ito,' ngunit hindi mo ipinakilala sa akin kung sino ang susuguin mo na kasama ko. Gayunma'y iyong sinabi, Aking nakikilala ka sa pangalan, at ikaw rin naman ay nakatagpo ng biyaya sa aking paningin.' Ngayon, kung ako'y nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin ay ituro mo sa akin ngayon ang iyong mga daan, upang ikaw ay aking makilala, at ako'y makatagpo ng biyaya sa iyong paningin. Alalahanin mo rin na ang bansang ito ay iyong bayan." Kanyang sinabi, 'Ako'y sasaiyo, at ikaw ay aking bibigyan ng kapahingahan." At sinabi niya sa kanya, "Kung ikaw ay hindi sasaakin, huwag mo na kaming paahunin mula rito. Sapagkat paano ngayon malalaman na ako'y nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, ako at ang iyong bayan? Hindi ba dahil sa ikaw ay lumalakad na kasama namin, kaya't kami ay naiiba, ako at ang iyong bayan, sa lahat ng bayan sa balat ng lupa?" Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Gagawin ko ang bagay na ito na iyong sinabi, sapagkat ikaw ay nakatagpo ng biyaya sa aking paningin, at ikaw ay aking nakikilala sa pangalan." Sinabi ni Moises, "Hinihiling ko sa iyo na ipakita mo sa akin ang iyong kaluwalhatian." At kanyang sinabi, "Aking pararaanin ang lahat kong kabutihan sa harapan mo, at aking ipahahayag ang aking pangalang 'Ang PANGINOON' sa harapan mo. Ako'y magkakaloob ng biyaya sa kaninumang aking ibig pagkalooban, at ako'y magpapakita ng habag sa kaninumang aking ibig kahabagan. Ngunit," kanyang sinabi, "Hindi mo maaaring makita ang aking mukha; sapagkat hindi ako maaaring makita ng tao at siya'y mabubuhay." At sinabi ng PANGINOON, "Masdan mo, may isang dako sa tabi ko, at ikaw ay tatayo sa ibabaw ng bato; at samantalang ang aking kaluwalhatian ay dumaraan, aking ilalagay ka sa isang bitak ng bato, at tatakpan kita ng aking kamay hanggang sa ako'y makaraan. Pagkatapos, aking aalisin ang aking kamay, at iyong makikita ang aking likod; subalit ang aking mukha ay hindi makikita." Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Tumabas ka ng dalawang tapyas na bato na gaya ng una, at aking isusulat sa mga tapyas ang mga salita na nasa unang mga tapyas na iyong binasag. Maghanda ka sa kinaumagahan, at umakyat ka kinaumagahan sa bundok ng Sinai at humarap ka sa akin doon sa tuktok ng bundok. Walang sinumang aakyat na kasama mo, at huwag hayaang may makitang sinuman sa buong bundok; kahit ang mga kawan at ang mga baka ay huwag manginain sa harapan ng bundok na iyon." Kaya't si Moises ay tumabas ng dalawang tapyas na bato na gaya ng una; kinaumagahan, siya ay bumangon nang maaga at umakyat sa bundok ng Sinai, gaya ng iniutos ng PANGINOON sa kanya, at hinawakan ang dalawang tapyas na bato. Ang PANGINOON ay bumaba sa ulap, at tumayong kasama niya roon at ipinahayag ang pangalan ng PANGINOON. Ang PANGINOON ay nagdaan sa harapan niya, at nagpahayag, "Ang PANGINOON, ang PANGINOON, isang Diyos na puspos ng kahabagan at mapagpala, hindi magagalitin, at sagana sa wagas na pag-ibig at katapatan, na nag-iingat ng wagas na pag-ibig para sa libu-libo, nagpapatawad ng kasamaan, ng pagsuway, at ng kasalanan, ngunit sa anumang paraan ay hindi ituturing na walang sala ang may sala; na dinadalaw ang kasamaan ng mga ama sa mga anak, at sa mga anak ng mga anak, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi." Nagmadali si Moises na itinungo ang kanyang ulo sa lupa at sumamba. Kanyang sinabi, "Kung ngayo'y nakatagpo ako ng biyaya sa iyong paningin, O Panginoon, ay ipahintulot nawa ng Panginoon, idinadalangin ko sa iyo, na humayo ka sa kalagitnaan namin. Bagaman ang bayang ito ay matigas ang ulo, ipatawad mo ang aming kasamaan at mga kasalanan, at tanggapin mo kami bilang iyong mana." At kanyang sinabi, "Ako ngayo'y nakikipagtipan. Sa harap ng iyong buong bayan ay gagawa ako ng mga kababalaghan na kailanma'y hindi ginawa sa buong lupa, o sa alinmang bansa; at ang buong bayan na kasama ay makakakita ng gawa ng PANGINOON, sapagkat kakilakilabot na bagay ang aking gagawing kasama mo. "Tuparin mo ang mga iniutos ko sa iyo sa araw na ito. Tingnan mo, aking pinalalayas sa harap mo ang mga Amoreo, mga Cananeo, mga Heteo, mga Perezeo, mga Heveo, at ang mga Jebuseo. Mag-ingat ka na huwag makipagtipan sa mga nakatira sa lupain na iyong patutunguhan, baka ito'y maging isang bitag sa gitna mo. Inyong wawasakin ang kanilang mga dambana, at sisirain ninyo ang kanilang mga haligi at inyong ibubuwal ang kanilang mga sagradong poster. Sapagkat hindi ka sasamba sa ibang diyos, sapagkat ang PANGINOON na ang pangalan ay Mapanibughuin ay Diyos na mapanibughuin. Huwag kang makipagtipan sa mga nakatira sa lupain, sapagkat kapag sila ay nagpapakasama sa kanilang mga diyos at naghahandog sa kanilang mga diyos, mayroon sa kanilang mag-aanyaya sa inyo, at ikaw ay kakain ng kanilang handog. At iyong papag-asawahin ang iyong mga anak na lalaki sa kanilang mga anak na babae, at ang kanilang mga anak na babae na nagpapakasama sa kanilang mga diyos ay pasusunurin ang inyong mga anak na magpakasama sa kanilang mga diyos. "Huwag kang gagawa para sa iyo ng mga diyos na hinulma." "Ang Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa ay iyong ipapangilin. Pitong araw na kakain ka ng tinapay na walang pampaalsa na gaya ng iniutos ko sa iyo sa takdang panahon sa buwan ng Abib, sapagkat sa buwan ng Abib ay umalis ka sa Ehipto. Ang lahat na nagbubukas ng bahay-bata ay akin, at gayundin ang lahat ng hayop na lalaki, ang panganay ng baka at ng tupa. Ang panganay ng isang asno ay iyong tutubusin ng isang kordero, o kung hindi mo ito tutubusin ay iyong babaliin ang kanyang leeg. Lahat ng panganay sa iyong mga anak ay iyong tutubusin. At walang lalapit sa harapan ko na walang dala. "Anim na araw na gagawa ka, ngunit sa ikapitong araw ay magpapahinga ka; sa panahon ng pagbubungkal at sa pag-aani ay magpapahinga ka. Iyong ipapangilin ang Pista ng mga Sanlinggo, ang mga unang bunga ng pag-aani ng trigo, at ang kapistahan ng pagtitipon ng ani sa katapusan ng taon. Tatlong ulit sa isang taon na haharap ang lahat ng iyong mga kalalakihan sa PANGINOONG Diyos, ang Diyos ng Israel. Sapagkat palalayasin ko ang mga bansa sa harap mo at palalakihin ko ang iyong mga hangganan; at hindi pagnanasaan ng sinuman ang iyong lupain, kapag ikaw ay umaakyat upang humarap sa PANGINOON mong Diyos, tatlong ulit sa isang taon. "Huwag kang mag-aalay sa akin ng dugo ng handog na may pampaalsa; o magtitira man ng handog sa pista ng paskuwa hanggang sa kinaumagahan. Ang pinakaunang bunga ng iyong lupa ay dadalhin mo sa bahay ng PANGINOON mong Diyos. Huwag mong pakukuluan ang batang kambing sa gatas ng kanyang ina." Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Isulat mo ang mga salitang ito; ayon sa mga salitang ito ay nakipagtipan ako sa iyo at sa Israel." At siya'y naroon na kasama ng PANGINOON, na apatnapung araw at apatnapung gabi; hindi siya kumain ng tinapay, o uminom man ng tubig. At isinulat niya sa mga tapyas ang mga salita ng tipan, ang sampung utos. Nang bumaba si Moises sa bundok ng Sinai, na dala ang dalawang tapyas na bato ng patotoo sa kamay niya habang bumababa siya sa bundok, ay hindi nalalaman ni Moises na ang balat ng kanyang mukha ay nagliliwanag dahil sa pakikipag-usap niya sa Diyos. Nang makita ni Aaron at ng lahat ng mga anak ni Israel si Moises, ang balat ng kanyang mukha ay nagliliwanag at sila'y natakot na lumapit sa kanya. Ngunit tinawag sila ni Moises; at si Aaron at ang lahat ng matatanda sa Israel ay nagbalik sa kanya at si Moises ay nagsalita sa kanila. Pagkatapos, ang lahat ng mga anak ni Israel ay lumapit at kanyang ibinigay sa kanila sa pamamagitan ng utos ang lahat ng salita ng PANGINOON na binigkas sa kanya sa bundok ng Sinai. At pagkapagsalita sa kanila ni Moises ay naglagay siya ng isang talukbong sa kanyang mukha. Subalit kapag si Moises ay pumapasok sa harapan ng PANGINOON upang makipag-usap sa kanya ay nag-aalis siya ng talukbong hanggang siya'y makalabas; at nang siya'y lumabas ay kanyang sinabi sa mga anak ni Israel ang iniutos sa kanya. Nakita ng mga anak ni Israel na ang balat ng mukha ni Moises ay nagliliwanag; at muling inilalagay ni Moises ang talukbong sa kanyang mukha, hanggang sa siya'y makapasok upang makipag-usap sa Diyos. Tinipon ni Moises ang buong sambayanan ng mga anak ni Israel, at sinabi sa kanila, "Ito ang mga salita na iniutos ng PANGINOON na inyong gagawin. Anim na araw na gagawin ang gawain, subalit ang ikapitong araw ay banal na Sabbath na taimtim na pagpapahinga sa PANGINOON; sinumang gumawa ng anumang gawa sa araw na iyon ay papatayin. Huwag kayong magpapaningas ng apoy sa lahat ng inyong tinitirhan sa araw ng Sabbath." Sinabi ni Moises sa buong sambayanan ng mga anak ni Israel, "Ito ang bagay na iniutos ng PANGINOON: Kumuha kayo sa inyo ng isang handog para sa PANGINOON; sinumang may mapagbigay na puso ay magdala ng handog sa PANGINOON: ginto, pilak, at tanso; lanang asul, kulay-ube at pula; hinabing pinong lino; balahibo ng kambing, mga balat ng tupang lalaki na kinulayan ng pula, mga balat ng kambing; at kahoy na akasya, langis para sa ilaw, mga pabango para sa langis na pambuhos at para sa mabangong insenso, at mga batong onix, at mga batong pang-enggaste, para sa efod at para sa pektoral. "Ang bawat taong may kakayahan sa inyo ay pumarito, at gawin ang lahat ng iniutos ng PANGINOON: ang tabernakulo, ang tolda at ang takip niyon, ang mga kawit at ang mga tabla niyon, ang mga biga, ang mga haligi at ang mga patungan niyon; ang kaban kasama ang mga pasanan niyon, ang luklukan ng awa, at ang tabing; ang hapag kasama ang mga pasanan niyon, at ang lahat ng kasangkapan niyon at ang tinapay na handog; ang ilawan din para sa ilaw, kasama ang mga kasangkapan at ang mga ilawan niyon, at ang langis para sa ilaw; at ang dambana ng insenso, kasama ang mga pasanan niyon, ang langis na pambuhos, ang mabangong insenso, at ang tabing para sa pintuan na nasa pasukan ng tabernakulo; ang dambana ng handog na sinusunog, at ang parilyang tanso niyon, ang mga pasanan niyon, lahat ng mga kasangkapan niyon, ang hugasan at ang patungan niyon. Ang mga tabing sa bulwagan, ang mga haligi at ang mga patungan ng mga iyon, at ang tabing sa pasukan ng bulwagan; ang mga tulos ng tabernakulo, ang mga tulos ng bulwagan, at ang mga lubid ng mga iyon; ang mga kasuotang ginawang mainam para sa pangangasiwa sa dakong banal, ang mga banal na kasuotan para kay Aaron na pari, at ang mga kasuotan ng kanyang mga anak, para sa kanilang paglilingkod bilang mga pari." Pagkatapos, ang buong sambayanan ng mga anak ni Israel ay umalis sa harap ni Moises. At sila'y dumating, ang lahat ng taong napukaw ang kalooban, at lahat ng pinakilos ng kanyang espiritu at nagdala ng handog sa PANGINOON upang gamitin sa toldang tipanan, at para sa lahat ng paglilingkod doon at para sa mga banal na kasuotan. Kaya't sila'y naparoon, mga lalaki at mga babae, ang lahat na mayroong kusang loob, at nagdala ng mga aspile, mga hikaw, mga singsing na pantatak, mga pulseras, at sari-saring alahas na ginto; samakatuwid, lahat na nag-alay ng handog na ginto sa PANGINOON. At bawat taong may telang asul, o kulay-ube, o pula, o pinong lino, o balahibo ng mga kambing, o balat ng mga tupa na kinulayan ng pula, o mga balat ng kambing ay nagdala ng mga iyon. Ang lahat na nakapaghandog ng handog na pilak at tanso ay nagdala ng handog sa PANGINOON at lahat ng taong may kahoy na akasya na magagamit sa anumang gawain ay nagdala nito. Lahat ng mga babaing may kakayahan ay naghabi sa pamamagitan ng kanilang mga kamay, at dinala ang kanilang mga hinabi na telang asul, kulay-ube at pula, at hinabing pinong lino. Lahat ng mga babae na ang mga puso ay pinakilos na may kakayahan ay naghabi ng balahibo ng kambing. At ang mga pinuno ay nagdala ng mga batong onix, mga batong pang-enggaste para sa efod at sa pektoral, ng mga pabango at langis para sa ilawan at para sa langis na pambuhos, at para sa mabangong insenso. Lahat ng lalaki at babae ng mga anak ni Israel na ang puso'y nagpakilos sa kanila na magdala ng anuman para sa gawain na iniutos ng PANGINOON sa pamamagitan ni Moises na gawin ay nagdala ng mga iyon bilang kusang-loob na handog sa PANGINOON. Sinabi ni Moises sa mga anak ni Israel, "Tingnan ninyo, tinawag ng PANGINOON sa pangalan si Bezaleel na anak ni Uri, na anak ni Hur, sa lipi ni Juda. Kanyang pinuspos siya ng Espiritu ng Diyos, ng kakayahan, katalinuhan, kaalaman, at kahusayan sa lahat ng sari-saring gawain; upang gumawa ng magagandang dibuho, gumawa sa ginto, sa pilak, at sa tanso, sa pagputol ng mga batong pang-enggaste, at sa pag-ukit sa kahoy, upang gumawa sa lahat ng mahuhusay na gawa. At kanyang kinasihan siya upang makapagturo, siya at gayundin si Aholiab, na anak ni Ahisamac, sa lipi ni Dan. Sila'y kanyang pinuspos ng kakayahan upang gumawa ng lahat ng sari-saring gawa ng tagaukit o ng tagakatha o mambuburda sa telang asul, kulay-ube, pula, at sa hinabing pinong lino, o ng manghahabi, ng mga gumagawa ng anumang gawain, at ng mga kumakatha ng magagandang disenyo. Sina Bezaleel at Aholiab at lahat ng mahuhusay na lalaki na pinagkalooban ng PANGINOON ng kakayahan at katalinuhan na malaman kung paanong gumawa ng lahat ng gawain sa pagtatayo ng santuwaryo ay gagawa ayon sa lahat ng iniutos ng PANGINOON." Tinawag ni Moises sina Bezaleel at Aholiab, at lahat ng marurunong na pinagkalooban ng PANGINOON ng kakayahan, lahat ng may pusong napukaw na pumaroon upang gawin ang gawain; at kanilang tinanggap mula kay Moises ang lahat ng handog na dinala ng mga anak ni Israel na magagamit sa gawang paglilingkod sa santuwaryo upang gawin. Kanilang patuloy silang dinalhan ng kusang handog tuwing umaga, kaya't dumating ang lahat ng mga taong may kakayahan na gumagawa ng lahat na gawain sa santuwaryo, na bawat isa'y mula sa kanyang gawain na kanyang ginagawa, at kanilang sinabi kay Moises, "Ang bayan ay nagdadala nang higit kaysa kailangan sa gawaing iniutos ng PANGINOON na ating gawin." Kaya't si Moises ay nagbigay ng utos at ipinahayag nila sa buong kampo na sinasabi, "Huwag nang gumawa ang lalaki o babae man ng anumang higit pa para sa handog sa santuwaryo." Kaya't pinigilan ang taong-bayan sa pagdadala; sapagkatang nadala nila ay sapat na sa paggawa ng lahat ng gagawin, at higit pa. Lahat ng mga bihasang lalaki sa mga manggagawa ay gumawa ng tabernakulo na may sampung tabing; gawa ang mga ito sa hinabing pinong lino, asul, kulay-ube, at pulang tela na may mga kerubin na ginawa ng bihasang manggagawa. Ang haba ng bawat tabing ay dalawampu't walong siko, at ang luwang ng bawat tabing ay apat na siko; lahat ng tabing ay magkakapareho ang sukat. Pinagkabit-kabit niya ang limang tabing at ang iba pang limang tabing ay pinagkabit-kabit niya. Siya'y gumawa ng mga silong asul sa gilid ng tabing, sa gilid ng pinakadulong tabing ng unang pangkat, gayundin ang ginawa niya sa mga gilid ng tabing na nasa dulo ng ikalawang pangkat. Limampung silo ang ginawa niya sa isang tabing, at limampung silo ang ginawa niya sa gilid ng tabing na nasa ikalawang pangkat: ang mga silo ay magkakatapat sa isa't isa. Siya'y gumawa ng limampung kawit na ginto, at pinagdugtong ang mga tabing sa isa't isa sa pamamagitan ng mga kawit; sa gayo'y naging isa ang tabernakulo. Gumawa rin siya ng mga tabing na balahibo ng mga kambing para sa tolda na nasa ibabaw ng tabernakulo; labing-isang tabing ang ginawa niya. Ang haba ng bawat tabing ay tatlumpung siko, at apat na siko ang luwang ng bawat tabing; ang labing-isang tabing ay magkakapareho ng sukat. Kanyang pinagdugtong ang limang tabing at ang anim na tabing ay bukod. Siya'y gumawa ng limampung silo sa gilid ng unang tabing, na nasa dulo ng pagkakadugtong, at limampung silo ang ginawa niya sa gilid ng tabing na nasa dulo ng ikalawang pagkakadugtong. Siya'y gumawa ng limampung kawit na tanso upang pagdugtung-dugtungin ang tolda, upang ang mga iyon ay maging isa. Siya'y gumawa ng isang pantakip sa tolda na balat ng mga tupa na kinulayan ng pula, at ng isang takip na balat ng kambing sa ibabaw. Siya'y gumawa ng mga patayong haliging yari sa kahoy na akasya para sa tabernakulo. Sampung siko ang haba ng isang haligi, at isang siko't kalahati ang luwang ng bawat haligi. Bawat haligi ay mayroong dalawang mitsa na nagdudugtong sa isa't isa; gayon ang ginawa niya sa lahat ng haligi ng tabernakulo. At kanyang iginawa ng mga haligi ang tabernakulo: dalawampung haligi sa gawing timog; at siya'y gumawa ng apatnapung patungang pilak sa ilalim ng dalawampung haligi: dalawang patungan sa ilalim ng isang tabla na ukol sa kanyang dalawang mitsa; at dalawang tuntungan sa ilalim ng isang tabla na ukol sa kanyang dalawang mitsa. Sa ikalawang panig ng tabernakulo sa dakong hilaga ay gumawa siya ng dalawampung haligi. At ng kanilang apatnapung patungang pilak; dalawang patungan sa ilalim ng isang haligi, at dalawang patungan sa ilalim ng ibang haligi. At sa dakong hulihan, sa gawing kanluran ng tabernakulo ay gumawa siya ng anim na haligi. Dalawang haligi ang ginawa niya para sa mga sulok ng tabernakulo sa dakong hulihan. At ang mga iyon ay magkahiwalay sa ilalim ngunit magkakabit at nauugnay na mainam sa itaas, sa unang argolya. Gayon ang ginawa niya sa dalawa para sa dalawang sulok. Mayroong walong tabla at ang mga patungang pilak ay labing-anim na patungan; sa ilalim ng bawat tabla ay may dalawang patungan. At siya'y gumawa ng mga bigang kahoy na akasya; lima sa mga tabla ng isang panig ng tabernakulo, at limang biga sa mga tabla ng kabilang panig ng tabernakulo, at limang biga sa mga tabla ng tabernakulo sa dakong hulihan pakanluran. Kanyang pinaraan ang gitnang biga sa gitna ng mga tabla, mula sa isang dulo hanggang sa kabila. Kanyang binalot ang mga tabla ng ginto, at gumawa ng mga gintong argolya na mga daraanan ng mga biga, at binalot ang mga biga ng ginto. Kanyang ginawa ang lambong na telang asul, kulay-ube, at pula, at hinabing pinong lino na may mga kerubin na gawa ng bihasang manggagawa. At kanyang iginawa iyon ng apat na haliging akasya, at binalot ang mga ito ng ginto, ang kanilang mga kawit ay ginto rin at naghulma siya para sa mga ito ng apat na patungang pilak. Kanya ring iginawa ng tabing ang pintuan ng tolda ng telang asul, kulay-ube at pula, hinabing pinong lino, na ginawa ng mambuburda; at iginawa niya ng limang haligi kasama ang kanilang mga kawit. Kanyang binalot ang mga kapitel at ang kanilang mga pilete ng ginto; at ang kanilang limang patungan ay tanso. Ginawa ni Bezaleel ang kaban na yari sa kahoy na akasya; dalawang siko at kalahati ang haba niyon, at isang siko't kalahati ang luwang at may isang siko at kalahati ang taas niyon. Kanyang binalot iyon ng lantay na ginto sa loob at sa labas, at iginawa ng isang moldeng ginto sa palibot. Naghulma siya para dito ng apat na argolyang ginto, sa apat na sulok niyon; dalawang argolya sa isang tagiliran, at dalawang argolya sa kabilang tagiliran. Siya'y gumawa ng mga pasanang kahoy na akasya, at binalutan ang mga ito ng ginto. Isinuot niya ang mga pasanan sa mga argolya, sa mga tagiliran ng kaban, upang mabuhat ang kaban. Gumawa rin siya ng isang luklukan ng awa na lantay na ginto na dalawang siko at kalahati ang haba, at isang siko at kalahati ang luwang. Siya'y gumawa ng dalawang kerubing yari sa pinitpit na ginto; sa dalawang dulo ng luklukan ng awa niya ginawa ang mga ito, isang kerubin sa isang dulo, at isang kerubin sa kabilang dulo; na kaisang piraso ng luklukan ng awa ginawa niya ang mga kerubin sa dalawang dulo. Ibinubuka ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak paitaas, na nalililiman ng kanilang mga pakpak ang luklukan ng awa, magkakaharap ang kanilang mga mukha; nakaharap sa dakong luklukan ng awa ang mga mukha ng mga kerubin. Ginawa rin niya ang hapag na yari sa kahoy na akasya, na dalawang siko ang haba at isang siko ang luwang at isang siko at kalahati ang taas niyon. Binalot niya iyon ng lantay na ginto, at iginawa niya ng isang moldeng ginto sa palibot. Iginawa niya iyon ng isang gilid na isang dangkal ang luwang sa palibot, at iginawa ng isang moldeng ginto ang gilid sa palibot. Naghulma siya para doon ng apat na argolyang ginto at inilagay ang mga argolya sa apat na sulok na ukol sa apat na paa niyon. Malapitsa gilid ang mga argolya, na daraanan ng mga pasanan upang mabuhat ang hapag. Ginawa niya ang mga pasanang kahoy na akasya at binalot ng ginto, upang mabuhat ang hapag. At ginawa niyang lantay na ginto ang mga kasangkapang nasa ibabaw ng hapag, ang mga pinggan niyon at ang mga kutsaron niyon, at ang mga tasa niyon, at ang mga kopa niyon na ginagamit sa inuming handog. Kanya ring ginawa ang ilawan na lantay na ginto. Ang patungan at ang haligi ng ilawan ay ginawa sa pinitpit na metal; ang mga kopa niyon, ang mga usbong, at ang mga bulaklak niyon ay iisang piraso. May anim na sangang lumalabas sa mga tagiliran niyon; ang tatlong sanga ng ilawan ay sa isang tagiliran, at ang tatlong sanga ng ilawan ay sa kabilang tagiliran; tatlong kopang anyong bulaklak ng almendro sa isang sanga, isang usbong at bulaklak; at tatlong kopang anyong bulaklak ng almendro sa kabilang sanga, isang usbong at isang bulaklak — gayon nga sa anim na sangang lumalabas sa ilawan. At sa ilawan mismo ay may apat na kopang anyong bulaklak ng almendro, kasama ang mga usbong niyon, at ng mga bulaklak niyon, at isang usbong na kakabit niyon sa ilalim ng bawat pares na sanga na lumalabas doon. Ang mga usbong at ang mga sanga ay iisang piraso ng ilawan; ang kabuuan nito ay isang piraso na yari sa pinitpit na lantay na ginto. Kanyang ginawa ang pitong ilawan niyon, at ang mga sipit at ang mga pinggan niyon, na lantay na ginto. Ginawa niya iyon at ang lahat ng mga kasangkapan niyon mula sa isang talentong lantay na ginto. At kanyang ginawa ang dambana ng insenso na yari sa kahoy na akasya; isang siko ang haba at isang siko ang luwang niyon; parisukat iyon, at dalawang siko ang taas; ang mga sungay niyon ay kaisang piraso niyon. Kanyang binalot iyon ng lantay na ginto, ang ibabaw niyon, at ang mga tagiliran niyon sa palibot, ang mga sungay niyon at kanyang iginawa ng isang moldeng ginto sa palibot. Iginawa niya iyon ng dalawang gintong argolya sa ilalim ng molde, sa dakong itaas ng dalawang panig, sa ibabaw ng dalawang panig, na pagsusuotan ng mga pasanan upang mabuhat. Gumawa siya ng mga pasanang kahoy na akasya, at binalot ang mga ito ng ginto. Ginawa rin niya ang banal na langis na pambuhos, at ang purong mabangong insenso ayon sa timpla ng manggagawa ng pabango. Ginawa rin niya ang dambana ng handog na sinusunog na yari sa kahoy na akasya: limang siko ang haba at limang siko ang luwang niyon, parisukat; at tatlong siko ang taas. Kanyang iginawa ng mga sungay iyon sa ibabaw ng apat na sulok niyon; ang mga sungay niyon ay kaisang piraso niyon; at kanyang binalot iyon ng tanso. Kanyang ginawa ang lahat ng mga kasangkapan ng dambana, ang mga palayok, ang mga pala, ang mga palanggana, ang malalaking tinidor, at ang mga apuyan: lahat ng mga kasangkapan ay kanyang ginawang yari sa tanso. At kanyang iginawa ang dambana ng isang parilya, na sala-salang tanso, sa ilalim ng gilid ng dambana, na umaabot hanggang sa kalahatian paibaba. Siya ay naghulma ng apat na argolya para sa apat na sulok ng parilyang tanso, bilang suotan ng mga pasanan; ginawa niya ang mga pasanan na yari sa kahoy na akasya, at binalot ng tanso ang mga ito. Kanyang isinuot ang mga pasanan sa mga argolya na nasa mga tagiliran ng dambana, upang mabuhat iyon; ginawa niya itong may guwang na may mga tabla. Kanyang ginawa ang hugasang yari sa tanso, at ang patungan niyon ay tanso, mula sa mga salamin ng mga babaing lingkod na naglilingkod sa pintuan ng toldang tipanan. Kanyang ginawa ang bulwagan, sa gawing timog ang mga tabing ng bulwagan ay mga hinabing pinong lino na may isang daang siko. Ang mga haligi ng mga iyon ay dalawampu, at ang mga patungan ay dalawampu, yari sa tanso; ang mga kawit ng mga haligi at ang mga kawit ay pilak. Sa dakong hilaga ay isang daang siko, ang mga haligi ay dalawampu, at ang mga patungan ay dalawampu, yari sa tanso; ang mga kawit ng mga haligi at ang mga panali ay pilak. At sa gawing kanluran ay may mga tabing na may limampung siko, ang mga haligi ay sampu, at ang mga patungan ay sampu; ang mga kawit ng mga haligi at ang mga panali ay pilak. Sa harapan hanggang gawing silangan ay may limampung siko. Ang mga tabing sa isang dako ng pintuan ay labinlimang siko; ang mga haligi ay tatlo, at ang mga patungan ay tatlo; gayundin sa kabilang dako — sa dakong ito at sa dakong iyon ng pintuan ng bulwagan ay may mga tabing na tiglalabinlimang siko; ang mga haligi niyon ay tatlo, at ang mga patungan niyon ay tatlo. Lahat ng mga tabing ng bulwagan sa palibot ay pinong lino. Ang mga patungan para sa mga haligi ay tanso, ngunit ang mga kawit ng mga haligi at ang mga panali ay pilak; at ang mga balot ng mga itaas ay pilak; at ang lahat ng haligi ng bulwagan ay may taling pilak. At ang tabing sa pasukan ng bulwagan ay binurdahan na telang asul, kulay-ube at pula, at pinong lino at may dalawampung siko ang haba, ang luwang ay may limang siko, na kasukat ng mga tabing sa bulwagan. Ang mga haligi ay apat, at ang mga patungan ay apat, tanso; ang mga kawit ay pilak, at ang mga balot ng itaas nito, at ang mga panali ay pilak. At lahat ng mga tulos ng tabernakulo, at ng bulwagan sa palibot ay tanso. Ito ang kabuuan ng mga bagay sa tabernakulo, ang tabernakulo ng patotoo, ayon sa pagbilang nila, alinsunod sa utos ni Moises para sa paglilingkod ng mga Levita sa pangunguna ni Itamar na anak ng paring si Aaron. Ginawa ni Bezaleel na anak ni Uri, na anak ni Hur, sa lipi ni Juda, ang lahat ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. At kasama niya si Aholiab, na anak ni Ahisamac, sa lipi ni Dan, na mang-uukit, at bihasang manggagawa, at mambuburda sa telang asul, kulay-ube, pula, at hinabing pinong lino. Lahat ng ginto na ginamit sa buong gawain sa santuwaryo, samakatuwid ay ang gintong handog, ay dalawampu't siyam na talento, at pitong daan at tatlumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo. Ang pilak mula sa kapisanan na binilang ay sandaang talento, at isang libo't pitong daan at pitumpu't limang siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo: tig-isang beka bawat ulo, samakatuwid, kalahati ng isang siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo, sa bawat isa na nasali sa mga nabilang, magmula sa dalawampung taong gulang pataas, sa anim na raan at tatlong libo at limang daan at limampung lalaki. Ang isandaang talentong pilak ay ginamit sa pagbubuo ng mga patungan ng santuwaryo, at ng mga patungan ng mga haligi ng tabing; sandaang patungan sa sandaang talento, isang talento sa bawat patungan. Sa isang libo't pitong daan at pitumpu't limang siklo ay naigawa ng kawit ang mga haligi at binalot ang mga itaas, at iginawa ng mga panali. Ang tansong ipinagkaloob ay pitumpung talento, at dalawang libo at apatnaraang siklo, na siyang ginawang mga patungan sa pintuan ng toldang tipanan, at ng dambanang tanso, at ng parilyang tanso niyon, at ng lahat ng kasangkapan ng dambana, at ng mga tungtungan ng bulwagan sa palibot, at ng mga patungan sa pintuan ng bulwagan, at ng lahat ng mga tulos ng tabernakulo, at ng lahat ng mga tulos ng bulwagan sa palibot. Sa telang asul, kulay-ube, at pula ay gumawa sila ng mga kasuotang mahusay ang pagkayari para sa pangangasiwa sa dakong banal; kanilang ginawa ang mga banal na kasuotan para kay Aaron; gaya ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. Kanyang ginawa ang efod na ginto, na telang asul, kulay-ube, pula, at hinabing pinong lino. At kanilang pinukpok ang ginto na pinanipis na pahaba at pinutol na ginawang kawad na ginto, upang itahi sa telang asul, sa kulay-ube, sa pula, at sa lino na gawa ng bihasang manggagawa. Kanilang iginawa ang efod ng mga pambalikat, na magkakabit sa dalawang dulo. Ang pamigkis na mainam ang pagkayari na nasa ibabaw ng efod upang ibigkis, ay kaputol at gaya ng pagkayari ng efod — ginto, telang asul, kulay-ube, pula, at hinabing pinong lino; gaya ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. Kanilang ginawa ang mga batong onix na pinalibutan ng ginto, na ayos ukit ng isang pantatak, ayon sa mga pangalan ng mga anak ni Israel. Kanyang inilagay sa ibabaw ng pambalikat ng efod upang maging mga batong pang-alaala para sa mga anak ni Israel; gaya ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. Kanyang ginawa ang pektoral, na gawa ng bihasang manggagawa, gaya ng pagkayari ng efod — ginto, at telang asul, kulay-ube, pula, at hinabing pinong lino. Parisukat iyon; ang pektoral ay doble, isang dangkal ang haba at isang dangkal ang luwang niyon, kapag nakatiklop. Kanilang nilagyan ito ng apat na hanay na mga bato: isang hanay sa sardio, topacio, at karbungko na siyang unang hanay. Ang ikalawang hanay ay isang esmeralda, isang zafiro, at isang diamante. Ang ikatlong hanay ay isang jacinto, isang agata, at isang ametista. Ang ikaapat na hanay ay isang berilo, isang onix, at isang jaspe, na natatakpan ng mga enggasteng ginto sa kanilang mga pagkakakalupkop. Mayroong labindalawang bato na may mga pangalan ayon sa mga pangalan ng mga anak ni Israel; ang mga iyon ay gaya ng mga singsing-pantatak, bawat isa'y may nakaukit na pangalan na ukol sa labindalawang lipi. At kanilang iginawa ang pektoral ng mga tanikalang parang tirintas, na yari sa lantay na ginto. Sila'y gumawa ng dalawang pangkalupkop na ginto, at ng dalawang singsing na ginto; at inilagay ang dalawang singsing sa dalawang dulo ng pektoral. Kanilang ikinabit ang dalawang tanikalang lantay na ginto sa dalawang singsing sa mga sulok ng pektoral. Ang ibang dalawang dulo ng dalawang tanikalang ayos singsing ay kanilang ikinabit sa dalawang pangkalupkop, at ikinabit sa mga pambalikat ng efod sa dakong harapan niyon. Sila'y gumawa pa ng dalawang singsing na ginto at inilagay sa dalawang sulok ng pektoral sa gilid niyon, na nasa dakong loob ng efod. Sila'y gumawa ng dalawang singsing na ginto at ikinabit sa dakong ibaba ng dalawang pambalikat ng efod, sa may harapan na malapit sa pagkakadugtong, sa ibabaw ng mainam na pagkayaring pamigkis ng efod. Kanilang itinali ang pektoral sa pamamagitan ng mga singsing, sa mga singsing ng efod ng isang panaling kulay asul upang mamalagi sa ibabaw ng mainam na pagkayaring pamigkis ng efod; upang ang pektoral ay hindi matanggal mula sa efod gaya ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. Kanyang ginawa ang balabal ng efod na hinabing lahat sa kulay asul; at ang butas ng balabal ay gaya ng sa kasuotan, na may tahi sa palibot ng pinakaleeg upang huwag mapunit. Kanilang ginawan ang mga palda ng balabal ng mga granadang telang asul, kulay-ube, pula, at pinong lino. Sila'y gumawa rin ng mga kampanilyang yari sa lantay na ginto, at inilagay ang mga kampanilya sa pagitan ng mga granada sa ibabaw ng palda ng balabal sa palibot, sa pagitan ng mga granada; isang kampanilya at isang granada, isang kampanilya at isang granada sa ibabaw ng palda ng balabal sa palibot para sa paglilingkod; gaya ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. Ginawa rin nila ang mga tunika na hinabi mula sa pinong lino, para kay Aaron at sa kanyang mga anak, at ang turbanteng yari sa pinong lino, at ang mga gora na yari sa pinong lino, at ang mga salawal na lino na yari sa hinabing pinong lino, at ang bigkis na yari sa hinabing pinong lino, telang asul at kulay-ube, at pula na gawa ng mambuburda; gaya ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. Kanilang ginawa ang plata ng banal na korona na lantay na ginto, at nilagyan ito ng sulat na tulad ng ukit ng isang singsing na pantatak: "Banal sa PANGINOON." Kanilang tinalian ito ng isang panaling asul, upang ilapat sa ibabaw ng turbante; gaya ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. Gayon natapos ang lahat ng paggawa sa tabernakulo ng toldang tipanan; at ginawa ng mga anak ni Israel ang ayon sa lahat ng iniutos ng PANGINOON kay Moises; gayon ang ginawa nila. At kanilang dinala ang tabernakulo kay Moises, ang tolda, at ang lahat ng mga kasangkapan niyon, ang mga kawit, ang mga tabla, ang mga biga, ang mga haligi, at ang mga patungan; ang takip na mga balat ng mga tupa na kinulayan ng pula, at ang takip na balat ng mga kambing, at ang lambong na pantabing; ang kaban ng patotoo at ang mga pasanan niyon, at ang luklukan ng awa; ang hapag pati ang lahat ng mga kasangkapan niyon, at ang tinapay na handog; ang ilawan na dalisay na ginto, ang mga ilaw niyon, at ang mga lalagyan ng ilaw, at lahat ng mga kasangkapan niyon, at ang langis na para sa ilaw; ang dambanang ginto, ang langis na pambuhos, ang mabangong insenso, at ang tabing para sa pintuan ng tolda; ang dambanang tanso, ang parilyang tanso niyon, ang mga pasanan at ang lahat ng mga kasangkapan niyon, ang lababo at ang patungan niyon; ang mga tabing ng bulwagan, ang mga haligi niyon, at ang mga patungan at ang tabing na para sa pintuan ng bulwagan, ang mga panali, at ang mga tulos, at lahat ng mga kasangkapan sa paglilingkod sa tabernakulo, para sa toldang tipanan; ang mga kasuotang mainam ang pagkagawa para sa pangangasiwa sa dakong banal, ang mga banal na kasuotan para kay Aaron na pari, at ang mga kasuotan ng kanyang mga anak, upang maglingkod bilang mga pari. Ayon sa lahat ng iniutos ng PANGINOON kay Moises, gayon ginawa ng mga anak ni Israel ang lahat nggawa. At nakita ni Moises ang lahat ng gawain at kanilang ginawa iyon; kung paanong iniutos ng PANGINOON ay gayon nila ginawa. At binasbasan sila ni Moises. At nagsalita ang PANGINOON kay Moises na sinasabi, "Sa unang araw ng unang buwan ay iyong itatayo ang tabernakulo ng toldang tipanan. Iyong ilalagay doon ang kaban ng patotoo, at iyong tatabingan ng lambong ang kaban. Iyong ipapasok ang hapag, at iyong aayusin ang mga bagay na nasa ibabaw niyon; at iyong ipapasok ang ilawan at iyong iaayos ang mga ilaw niyon. At iyong ilalagay ang dambanang ginto para sa insenso sa harap ng kaban ng patotoo, at ilalagay mo ang tabing para sa pintuan ng tabernakulo. Iyong ilalagay ang dambana ng handog na sinusunog sa harap ng pintuan ng tabernakulo ng toldang tipanan. Ilagay mo ang lababo sa pagitan ng toldang tipanan at ng dambana, at iyong sisidlan iyon ng tubig. Iyong ilalagay ang bulwagan sa palibot, at ibibitin mo ang tabing sa pintuan ng bulwagan. Pagkatapos ay kukunin mo ang langis na pambuhos at bubuhusan mo ang tabernakulo at ang lahat na naroon, at iyong pakakabanalin, at ang lahat ng kasangkapan niyon ay magiging banal. Bubuhusan mo rin ng langis ang dambana ng handog na sinusunog at ang lahat ng kasangkapan niyon, at iyong pakakabanalin ang dambana at ang dambana ay magiging kabanal-banalan. Bubuhusan mo rin ng langis ang lababo at ang patungan nito, at iyong pakakabanalin. Iyong dadalhin si Aaron at ang kanyang mga anak sa pintuan ng toldang tipanan, at iyong huhugasan ng tubig. Iyong isusuot kay Aaron ang mga banal na kasuotan; at iyong bubuhusan siya ng langis at iyong pababanalin siya, upang ako'y mapaglingkuran niya bilang pari. Pagkatapos ay iyong dadalhin ang kanyang mga anak at iyong susuotan sila ng mga kasuotan: Iyong bubuhusan sila ng langis gaya ng iyong pagbubuhos sa kanilang ama, upang sila'y makapaglingkod sa akin bilang pari, at ang pagbubuhos sa kanila ay maging para sa walang hanggang pagkapari sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi." Gayon nga ang ginawa ni Moises, ayon sa lahat ng iniutos ng PANGINOON sa kanya, gayon ang kanyang ginawa. Sa unang buwan ng ikalawang taon, ng unang araw ng buwan, ang tabernakulo ay itinayo. Itinayo ni Moises ang tabernakulo, inilagay niya ang mga saligan, at ipinatong ang malalaking tabla, at isinuot ang mga biga, at itinayo ang mga haligi niyon. Kanyang inilatag ang tolda sa ibabaw ng tabernakulo, at kanyang inilagay ang takip ng tabernakulo sa itaas ng ibabaw niyon; gaya ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. Kanyang kinuha ang patotoo at inilagay ito sa loob ng kaban, at kanyang inilagay ang mga pasanan sa kaban, at kanyang inilagay ang luklukan ng awa sa ibabaw ng kaban: Kanyang ipinasok ang kaban sa tabernakulo, at inayos ang kurtinang pantabing, at tinabingan ang kaban ng patotoo; gaya ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. Kanyang inilagay ang hapag sa loob ng toldang tipanan, sa dakong hilaga ng tabernakulo, sa labas ng tabing. Kanyang inayos ang tinapay sa ibabaw ng hapag sa harap ng PANGINOON; gaya ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. Kanyang inilagay ang ilawan sa toldang tipanan, sa tapat ng hapag, sa gawing timog ng tabernakulo. Kanyang sinindihan ang mga ilaw sa harap ng PANGINOON; gaya ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. Kanyang inilagay ang dambanang ginto sa loob ng toldang tipanan sa harap ng lambong. Siya'y nagsunog doon ng mabangong insenso; gaya ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. Kanyang inilagay ang tabing para sa pintuan ng tabernakulo. Kanyang inilagay ang dambana ng handog na sinusunog sa pintuan ng toldang tipanan, at nag-alay doon ng handog na sinusunog, at ng handog na harina; gaya ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. Kanyang inilagay ang lababo sa pagitan ng toldang tipanan at ng dambana, at sinidlan ng tubig upang paghugasan. Si Moises at si Aaron at ang kanyang mga anak ay nagsipaghugas doon ng kanilang mga kamay at ng kanilang mga paa; kapag sila'y pumapasok sa toldang tipanan at kapag sila'y lumalapit sa dambana ay naghuhugas sila; gaya ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. At kanyang inilagay ang bulwagan sa palibot ng tabernakulo at ng dambana, at iniayos ang tabing ng pintuan ng bulwagan. Gayon tinapos ni Moises ang gawain. Pagkatapos ay tinakpan ng ulap ang toldang tipanan at pinuno ng kaluwalhatian ng PANGINOON ang tabernakulo. Si Moises ay hindi makapasok sa toldang tipanan, sapagkat nanatili sa ibabaw niyon ang ulap, at pinuspos ng kaluwalhatian ng PANGINOON ang tabernakulo. Kapag ang ulap ay napapaitaas mula sa tabernakulo ay nagpapatuloy ang mga anak ni Israel sa kanilang paglalakbay. Subalit kapag ang ulap ay hindi napapaitaas ay hindi sila naglalakbay hanggang sa araw na iyon ay pumaitaas. Sapagkat sa kanilang buong paglalakbay ang ulap ng PANGINOON ay nasa ibabaw ng tabernakulo sa araw, at may apoy sa loob niyon sa gabi, sa paningin ng buong sambahayan ng Israel. Ipinatawag ng PANGINOON si Moises at nagsalita sa kanya mula sa toldang tipanan, na sinasabi, "Magsalita ka sa mga anak ni Israel at sabihin mo sa kanila: Kapag ang sinuman sa inyo ay nagdadala ng alay sa PANGINOON, ang dadalhin ninyong alay ay galing sa mga hayop, mga bakahan, at sa kawan. "Kung ang kanyang alay ay isang handog na sinusunog mula sa bakahan, mag-aalay siya ng isang lalaking walang kapintasan. Ito ay kanyang dadalhin sa pintuan ng toldang tipanan, upang siya ay tanggapin sa harapan ng PANGINOON. Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng handog na sinusunog at ito ay tatanggapin para sa ikatutubos niya. At kanyang papatayin ang toro sa harapan ng PANGINOON; ang dugo ay ihahandog ng mga anak ni Aaron, na mga pari, at iwiwisik ito sa palibot ng dambana na nasa pintuan ng toldang tipanan. Kanyang babalatan at pagpuputul-putulin ang handog na sinusunog. Maglalagay ang mga anak ng paring si Aaron ng apoy sa ibabaw ng dambana, at aayusin ang kahoy sa apoy. Aayusin ng mga paring anak ni Aaron ang mga bahagi, ang ulo, at ang taba sa kahoy na nakapatong sa apoy na nasa ibabaw ng dambana; ngunit ang mga lamang-loob at mga paa ay huhugasan niya ng tubig. Susunugin ng pari ang kabuuan nito sa ibabaw ng dambana bilang handog na sinusunog, isang handog na pinaraan sa apoy na isang mabangong samyo sa PANGINOON. "Kung ang kanyang kaloob para sa handog na sinusunog ay mula sa kawan, sa mga tupa, o sa mga kambing, siya ay maghahandog ng isang lalaking walang kapintasan. Ito ay kanyang kakatayin sa hilagang bahagi ng dambana sa harapan ng PANGINOON. Iwiwisik ng mga anak ni Aaron, na mga pari, ang dugo niyon sa palibot ng dambana. At ito ay kanyang pagpuputul-putulin, kasama ang ulo at ang kanyang taba, at iaayos ng pari sa ibabaw ng kahoy na nasa apoy sa ibabaw ng dambana; ngunit ang mga lamang-loob at ang mga paa ay huhugasan ng tubig. At ihahandog ng pari ang kabuuan at susunugin sa dambana; ito ay isang handog na sinusunog, isang handog na pinaraan sa apoy, na isang mabangong samyo sa PANGINOON. "Kung ang kanyang alay sa PANGINOON ay handog na sinusunog na mula sa mga ibon, ang ihahandog niya ay mga batu-bato o mga batang kalapati. Ito ay dadalhin ng pari sa dambana, puputulan ng ulo, susunugin sa ibabaw ng dambana, at ang dugo'y patutuluin sa tabi ng dambana. Aalisin niya ang butsi pati ang mga laman nito, at ihahagis sa silangang bahagi ng dambana, sa kinalalagyan ng mga abo. Bibiyakin niya ito sa mga pakpak, ngunit hindi hahatiin. Ito'y susunugin ng pari sa ibabaw ng dambana, sa ibabaw ng kahoy na nasa apoy, bilang isang handog na sinusunog. Ito ay isang handog na pinaraan sa apoy, na isang mabangong samyo sa PANGINOON. "Kapag ang isang tao ay magdadala ng butil na handog bilang handog sa PANGINOON, dapat na ang kanyang handog ay mula sa piling harina. Bubuhusan niya ito ng langis, at lalagyan ito ng kamanyang. Dadalhin niya ito sa mga anak ni Aaron na mga pari at siya'y kukuha mula roon ng isang dakot na piling harina at langis, at lahat ng kamanyang nito. Ito ay susunugin ng pari sa ibabaw ng dambana, isang handog na pinakaalaala, isang handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo sa PANGINOON. Ang nalabi sa butil na handog ay para kay Aaron at sa kanyang mga anak; ito ay kabanal-banalan sa mga handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy. "Kapag ikaw ay magdadala ng butil na handog na niluto sa hurno, dapat na ito ay tinapay na walang pampaalsa mula sa piling harina na hinaluan ng langis, o maninipis na tinapay na walang pampaalsa na hinaluan ng langis. At kung ang iyong alay ay butil na handog na luto sa kawali, dapat na ang iyong handog ay piling harina na walang pampaalsa na hinaluan ng langis. Ito ay iyong pagpuputul-putulin at bubuhusan mo ito ng langis; ito ay butil na handog. Kung ang butil na handog ay niluto sa kawali, dapat na ang iyong handog ay piling harina na hinaluan ng langis. At dadalhin mo sa PANGINOON ang pagkaing handog na mula sa mga sangkap na ito, at dadalhin ito ng pari sa dambana. Kukunin ng pari mula sa butil na handog ang bahaging pinakaalaala nito at susunugin sa ibabaw ng dambana, isang handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo sa PANGINOON. At ang nalabi sa pagkaing handog ay para kay Aaron at sa kanyang mga anak; kabanal-banalan sa mga handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy na mabangong samyo sa Diyos. "Alinmang butil na handog na iaalay ninyo sa PANGINOON, ay gawin ninyong walang pampaalsa. Huwag kayong magsusunog ng anumang pampaalsa ni ng anumang pulot bilang handog na pinaraan sa apoy para sa PANGINOON. Bilang alay na mga unang bunga, ihahandog ninyo ang mga ito sa PANGINOON, ngunit ang mga ito ay hindi ihahandog sa dambana bilang isang mabangong samyo. Titimplahan mo ng asin ang lahat ng iyong butil na handog. Huwag mong hayaang ang iyong butil na handog ay mawalan ng asin sa pakikipagtipan ng iyong Diyos; lahat ng iyong mga alay ay ihahandog mong may asin. "Kung maghahandog ka sa PANGINOON ng butil na handog ng mga unang bunga, ang iaalay mo bilang butil na handog ng iyong unang bunga ay niligis na bagong butil na sinangag sa apoy. Bubuhusan mo iyon ng langis at lalagyan mo ng kamanyang sa ibabaw nito, ito ay butil na handog. At susunugin ng pari bilang bahaging pinakaalaala ang bahagi ng butil na niligis at ang bahagi ng langis, pati ang lahat ng kamanyang niyon; ito ay isang handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy. "Kung ang alay ay handog pangkapayapaan, at ang ihahandog niya ay mula sa bakahan, maging lalaki o babae, ito ay ihahandog niya na walang kapintasan sa harapan ng PANGINOON. Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kanyang alay, at papatayin ito sa pintuan ng toldang tipanan; at iwiwisik ng mga anak ni Aaron na mga pari ang dugo sa palibot ng dambana. Mula sa kanyang alay na handog pangkapayapaan, bilang isang handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy, ihahandog niya ang lahat ng tabang bumabalot sa lamang-loob at lahat ng tabang nasa lamang-loob, at ang dalawang bato at ang tabang nasa ibabaw ng mga iyon, na nasa mga balakang, at ang lamad ng atay na kanyang aalising kasama ng mga bato. Pagkatapos, ito ay susunugin ng mga anak ni Aaron sa dambana, sa ibabaw ng handog na sinusunog na nasa ibabaw ng kahoy na nakapatong sa apoy, isang handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo sa PANGINOON. "At kung ang kanyang alay sa PANGINOON bilang handog pangkapayapaan ay mula sa kawan, maging lalaki o babae, ito ay ihahandog niya na walang kapintasan. Kung isang kordero ang kanyang ihahandog bilang kanyang alay, ihahandog niya ito sa harapan ng PANGINOON, kanyang ipapatong ang kamay niya sa ulo ng kanyang alay, at ito ay papatayin sa harapan ng toldang tipanan, at iwiwisik ng mga anak ni Aaron ang dugo niyon sa palibot ng dambana. Mula sa alay na mga handog pangkapayapaan na isang handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy, iaalay niya ang taba niyon, ang buong matabang buntot na aalisin sa pinakamalapit sa gulugod, ang tabang bumabalot sa lamang-loob, at ang lahat ng taba ng lamang-loob. Ang dalawang bato, at ang tabang nasa loob nito na malapit sa mga balakang, at ang lamad na nasa atay ay aalisin niya kasama ng mga bato. At susunugin ito ng pari sa ibabaw ng dambana bilang pagkaing inihandog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy. "Kung ang kanyang alay ay kambing, dadalhin niya ito sa harapan ng PANGINOON. Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo niyon, at papatayin iyon sa harapan ng toldang tipanan at iwiwisik ng mga anak ni Aaron ang dugo sa palibot ng dambana. Siya ay maghahandog mula rito ng kanyang alay, bilang handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy, ang tabang bumabalot sa lamang-loob at lahat ng tabang nasa lamang-loob, ang dalawang bato, ang tabang nasa ibabaw nito na malapit sa mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay ay aalisin niya kasama ng mga bato. Ang mga ito ay susunugin ng pari sa ibabaw ng dambana, bilang pagkaing handog na pinaraan sa apoy na isang mabangong samyo. Lahat ng taba ay sa PANGINOON. Ito ay magiging isang walang hanggang tuntunin sa buong panahon ng inyong lahi sa lahat ng inyong mga tahanan. Huwag kayong kakain ng taba o anumang dugo nito." Nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Sabihin mo sa mga anak ni Israel: Kapag ang isang tao ay nagkasala nang hindi sinasadya sa alinman sa mga iniutos ng PANGINOON tungkol sa mga bagay na hindi dapat gawin, at nakagawa ang alinman sa mga ito: Kapag ang pari na binuhusan ng langis ang nagkasala at nagbunga ng pagkakasala sa bayan, ay maghahandog siya sa PANGINOON ng isang guyang toro na walang kapintasan, bilang handog pangkasalanan dahil sa nagawa niyang kasalanan. Dadalhin niya ang toro sa pintuan ng toldang tipanan sa harapan ng PANGINOON; at ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng toro, at papatayin ang toro sa harapan ng PANGINOON. Ang pari na binuhusan ng langis ay kukuha ng dugo ng toro at dadalhin sa toldang tipanan; ilulubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo at iwiwisik nang pitong ulit ang dugo sa harapan ng PANGINOON, sa harapan ng tabing ng dakong banal. Maglalagay ang pari ng kaunting dugo sa mga sungay ng dambana ng mabangong insenso sa harapan ng PANGINOON, na nasa toldang tipanan at ang nalabi sa dugo ng toro ay ibubuhos sa paanan ng dambana ng handog na sinusunog na nasa pintuan ng toldang tipanan ng kapulungan. Kanyang aalisin ang lahat ng taba ng toro na handog pangkasalanan; ang tabang bumabalot sa lamang-loob at ang lahat ng tabang nasa lamang-loob; ang dalawang bato at ang tabang nasa ibabaw nito na malapit sa mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay ay aalisin niya kasama ng mga bato, gaya ng pag-aalis ng mga ito sa bakang lalaki na alay ng handog pangkapayapaan; at ito ay susunugin ng pari sa ibabaw ng dambana ng handog na sinusunog. Subalit ang balat ng toro at lahat ng laman nito, pati ang ulo, mga hita, lamang-loob, dumi, at ang buong toro ay ilalabas niya sa kampo sa isang dakong malinis, sa lugar na pinagtatapunan ng mga abo, at kanyang susunugin sa apoy sa ibabaw ng kahoy; ito ay susunugin sa lugar na pinagtatapunan ng mga abo. "At kung ang buong kapulungan ng Israel ay magkasala nang hindi sinasadya, at ito ay hindi alam ng kapulungan, at sila'y nakagawa ng alinman sa mga bagay na iniutos ng PANGINOON na huwag gawin at sila'y nagkasala, kapag nalaman na ang kasalanang kanilang nagawa, ang kapulungan ay magdadala ng isang guyang toro bilang handog pangkasalanan, at dadalhin ito sa harapan ng toldang tipanan. Ipapatong ng matatanda ng kapulungan ang kanilang kamay sa ulo ng toro sa harapan ng PANGINOON, at papatayin ang toro sa harapan ng PANGINOON. Pagkatapos, dadalhin ang dugo ng toro sa toldang tipanan ng paring binuhusan ng langis, at ilalubog ng pari ang kanyang daliri sa dugo, at iwiwisik nang pitong ulit sa harapan ng PANGINOON sa harap ng tabing. Maglalagay siya ng kaunting dugo sa mga sungay ng dambana na nasa harapan ng PANGINOON na nasa toldang tipanan, at ang nalabi sa dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng dambana ng handog na sinusunog na nasa pintuan ng toldang tipanan. At aalisin niya ang lahat ng taba niyon at susunugin sa ibabaw ng dambana. Gagawin niya sa toro kung paano ang ginawa niya sa torong handog pangkasalanan, gayundin ang gagawin niya rito. Ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanila, at sila ay patatawarin. Ilalabas niya ang toro sa kampo at susunugin ito gaya ng pagkasunog sa unang toro; ito ay handog pangkasalanan para sa kapulungan. "Kapag ang isang pinuno ay nagkasala at nakagawa nang hindi sinasadya sa alinman sa lahat ng bagay na iniutos ng PANGINOON niyang Diyos na hindi dapat gawin, at nagkasala; kapag naipaalam na sa kanya ang kasalanang kanyang nagawa, siya ay magdadala ng kanyang handog, isang lalaking kambing na walang kapintasan. Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kambing, at papatayin niya ito sa dakong pinagkakatayan ng handog na sinusunog sa harapan ng PANGINOON; ito ay handog pangkasalanan. Pagkatapos ay kukuha ang pari sa pamamagitan ng kanyang daliri ng kaunting dugo mula sa handog pangkasalanan at ilalagay sa ibabaw ng mga sungay ng dambana ng handog na sinusunog, at ang nalabi sa dugo'y ibubuhos sa paanan ng dambana ng handog na sinusunog. At ito ay susunugin niya sa dambana, kasama ang lahat nitong taba, gaya ng taba ng handog pangkapayapaan. Gayon gagawin ng pari ang pagtubos para sa kanyang kasalanan, at siya ay patatawarin. "At kung ang sinumang pangkaraniwang tao sa mga mamamayan ay magkasala nang hindi sinasadya sa paggawa ng bagay na hindi dapat gawin, laban sa isa sa mga utos ng PANGINOON at nagkasala, kapag naipaalam na sa kanya ang kasalanan niyang nagawa, siya ay magdadala ng kanyang handog na isang babaing kambing na walang kapintasan para sa kasalanang nagawa niya. Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng handog pangkasalanan, at papatayin ang handog pangkasalanan sa lugar ng handog na sinusunog. Pagkatapos ay kukuha ng kaunting dugo nito ang pari sa pamamagitan ng kanyang daliri at ilalagay sa ibabaw ng mga sungay ng dambana ng handog na sinusunog, at ang nalabi sa dugo niyon ay ibubuhos niya sa paanan ng dambana. Lahat ng taba niyon ay kanyang aalisin, gaya ng pag-aalis ng taba sa alay na handog pangkapayapaan; at ito ay susunugin ng pari sa dambana bilang mabangong samyo sa PANGINOON. Gayon gagawin ng pari ang pagtubos para sa kanya, at siya ay patatawarin. "Kapag kordero ang kanyang dinala bilang handog pangkasalanan, siya ay magdadala ng babaing walang kapintasan. Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng handog pangkasalanan at papatayin ito bilang handog pangkasalanan sa lugar na pinagpapatayan ng handog na sinusunog. Pagkatapos ay kukuha ang pari ng kaunting dugo ng handog pangkasalanan sa pamamagitan ng kanyang daliri at ilalagay sa ibabaw ng mga sungay ng dambana ng handog na sinusunog, at ang nalabing dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng dambana. Ang lahat ng taba niyon ay kanyang aalisin, gaya ng pag-aalis ng taba sa kordero na alay bilang handog pangkapayapaan, at ang mga ito ay susunugin ng pari sa dambana, sa ibabaw ng mga handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy. Gayon gagawin ng pari ang pagtubos para sa kanya, para sa kanyang kasalanan na kanyang nagawa at siya'y patatawarin. "Kapag may hayagang panawagan upang sumaksi, at magagawa ng isang tao na sumaksi bilang isa na nakakita o nakarinig, ngunit ayaw namang magsalita, ang taong iyon ay nagkakasala at dapat parusahan. O kung ang sinuman ay nakahipo ng alinmang bagay na marumi, o maging ito ay bangkay ng mabangis na hayop na marumi, o bangkay ng umuusad na marumi, at di niya iyon nalaman, siya'y magiging marumi at nagkakasala. O kung siya'y nakahipo ng karumihan ng tao, maging anumang karumihan niya, at hindi niya iyon nalalaman, siya ay nagkakasala kapag nalaman niya iyon. O kapag ang isang tao ay sumumpa nang padalus-dalos sa pamamagitan ng kanyang mga labi, upang gumawa ng masama o ng mabuti, anumang padalus-dalos na panunumpa na isinumpa ng tao, at iyon ay hindi niya nalaman, siya ay nagkakasala kapag nalaman niya iyon. Kapag nagkasala ka sa isa sa mga ito, ipahayag mo ang iyong kasalanang nagawa. Dadalhin niya sa PANGINOON ang kanyang handog para sa budhing maysala dahil sa kasalanang nagawa niya, isang babaing hayop mula sa kawan, isang kordero o isang kambing bilang handog pangkasalanan, at ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya. "Subalit kung hindi niya kaya ang halaga ng isang kordero, siya na nagkasala ay magdadala sa PANGINOON bilang handog para sa kasalanang kanyang ginawa, ng dalawang batu-bato o ng dalawang batang kalapati — ang isa'y bilang handog pangkasalanan at ang isa'y bilang handog na sinusunog. Kanyang dadalhin ang mga ito sa pari na siyang maghahandog nito, ang una ay para sa handog pangkasalanan. Pipilipitin niya ang ulo mula sa leeg, ngunit hindi ito paghihiwalayin. Magwiwisik siya ng kaunting dugo ng handog pangkasalanan sa gilid ng dambana; at ang nalabi sa dugo ay patutuluin sa paanan ng dambana; ito ay handog pangkasalanan. Ihahandog niya ang ikalawa bilang handog na sinusunog ayon sa tuntunin; at ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya alang-alang sa kasalanan na kanyang nagawa, at siya ay patatawarin. "Subalit kung hindi niya kayang magdala ng dalawang batu-bato, o ng dalawang batang kalapati, ang nagkasala ay magdadala ng ikasampung bahagi ng isang efa ng piling harina bilang handog pangkasalanan niya. Hindi niya ito lalagyan ng langis ni lalagyan man ng kamanyang, sapagkat ito'y handog pangkasalanan. Dadalhin niya ito sa pari at ang pari ay kukuha ng isang dakot mula roon bilang handog na pinakaalaala at ito'y susunugin sa dambana, sa ibabaw ng handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy; ito ay handog pangkasalanan. Gayon gagawin ng pari ang pagtubos para sa nagkasala laban sa alinman sa mga bagay na ito, at siya ay patatawarin. Ang nalabi ay para sa pari gaya ng butil na handog." At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Kung ang sinuman ay nakagawa ng pagsira sa pagtitiwala at nagkasala nang hindi sinasadya sa mga banal na bagay ng PANGINOON, magdadala siya sa PANGINOON ng handog para sa budhing maysala ng isang tupang lalaki na walang kapintasan mula sa kawan, na ayon sa halagang itinakda ng santuwaryo para sa siklong pilak. Ito ay handog para sa budhing maysala. At isasauli niya ang kanyang ipinagkasala laban sa banal na bagay, at magdaragdag pa siya ng ikalimang bahagi, at ibibigay niya sa pari. Ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa nagkasala sa pamamagitan ng lalaking tupang handog para sa budhing maysala at siya ay patatawarin. "At kung ang isang tao ay magkasala at gumawa ng alinman sa mga bagay na iniutos ng PANGINOON na huwag gawin, kahit hindi niya nalalaman, siya ay nagkasala at mananagot sa kanyang kasamaan. Kaya't siya'y magdadala sa pari ng isang tupang lalaki na walang kapintasan mula sa kawan ayon sa halagang itinakda mo bilang handog para sa budhing maysala. At ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya dahil sa kasalanang hindi sinasadya na kanyang nagawa, at siya ay patatawarin. Ito ay handog para sa budhing maysala, siya'y nagkasala sa PANGINOON." Nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi: "Kung ang sinuman ay magkasala at sumuway sa PANGINOON sa pamamagitan ng pandaraya sa kanyang kapwa tungkol sa isang habilin, o sa isang sangla, o sa pagnanakaw, o pangingikil sa kanyang kapwa, o nakatagpo ng nawawalang bagay at nagsinungaling tungkol doon, at sumumpa ng kasinungalingan tungkol sa alinman sa lahat ng ito na ginawa ng tao, at nagkasala; kapag siya'y nagkasala at naunawaan na niya ang kanyang kasalanan, isasauli niya ang ninakaw, o ang nakuha sa pangingikil, o ang habiling inihabilin sa kanya, o ang bagay na nawala na kanyang natagpuan, o lahat ng bagay na kanyang sinumpaan ng kabulaanan. Isasauli niya itong buo at daragdagan pa niya ng ikalimang bahagi niyon sa kaninumang nagmamay-ari sa araw ng kanyang handog para sa budhing maysala. Dadalhin niya sa pari ang kanyang handog para sa budhing maysala sa PANGINOON, ang isang tupang lalaki na walang kapintasan na mula sa kawan, ayon sa iyong halagang itinakda para sa isang handog para sa budhing maysala. Ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya sa harapan ng PANGINOON tungkol sa bagay na kanyang nagawa at napatunayang nagkasala; siya ay patatawarin." Ang PANGINOON ay nagsalita kay Moises, na sinasabi: "Iutos mo ito kay Aaron at sa kanyang mga anak: Ito ang kautusan tungkol sa handog na sinusunog. Ang handog na sinusunog ay mananatili sa ibabaw ng dambana sa buong magdamag hanggang umaga, samantalang ang apoy sa dambana ay pananatilihing nagniningas doon. At isusuot ng pari ang kanyang mahabang kasuotang lino sa ibabaw ng kanyang mga pang-ilalim na lino kasunod ng kanyang katawan; at kukunin niya ang mga abo ng handog na sinusunog na sinunog sa apoy sa ibabaw ng dambana, at ilalagay niya sa tabi ng dambana. Pagkatapos nito, maghuhubad siya ng kanyang mga suot at magbibihis ng ibang mga kasuotan, at ilalabas ang mga abo sa kampo sa isang malinis na pook. Ang apoy sa ibabaw ng dambana ay pananatilihing nagniningas doon, at hindi ito papatayin. Ang pari ay magsusunog ng kahoy sa ibabaw niyon tuwing umaga, at aayusin niya sa ibabaw niyon ang handog na kanyang susunugin, at kanyang susunugin ito kasama ang taba ng mga handog pangkapayapaan. Ang apoy ay pananatilihing nagniningas sa ibabaw ng dambana; hindi ito papatayin. "Ito ang kautusan tungkol sa butil na handog: dadalhin ito ng mga anak ni Aaron sa harapan ng PANGINOON, sa harap ng dambana. Kukuha siya roon ng isang dakot ng magandang uri ng harina at ng langis ng butil na handog, at ng lahat na kamanyang na nasa ibabaw ng handog. Ito ay susunugin bilang bahaging alaala sa ibabaw ng dambana, isang mabangong samyo sa PANGINOON. Ang nalabi sa handog ay kakainin ni Aaron at ng kanyang mga anak. Ito ay kakainin na walang pampaalsa sa dakong banal; kakainin nila ito sa bulwagan ng toldang tipanan. Hindi ito lulutuing may pampaalsa. Aking ibinigay iyon bilang kanilang bahagi mula sa handog sa akin na pinaraan sa apoy; ito ay kabanal-banalan gaya ng handog pangkasalanan at handog para sa budhing maysala. Bawat lalaki sa mga anak ni Aaron ay kakain niyon mula sa handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy. Ito ay iniutos magpakailanman sa buong panahon ng inyong salinlahi. Sinumang humipo sa mga iyon ay magiging banal." Ang PANGINOON ay nagsalita kay Moises, na sinasabi: "Ito ang alay ni Aaron at ng kanyang mga anak na kanilang ihahandog sa PANGINOON sa araw na siya'y buhusan ng langis: ang ikasampung bahagi ng isang efa ng piling harina bilang isang nagpapatuloy na butil na handog, ang kalahati nito ay sa umaga at ang kalahati ay sa hapon. Ito ay gagawin sa kawaling may langis; ito ay mamasahing mabuti at pipira-pirasuhin tulad sa butil na handog, at ihahandog ito bilang mabangong samyo sa PANGINOON. Ang paring mula sa mga anak ni Aaron na binuhusan ng langis upang humalili sa kanya ay maghahandog niyon gaya ng ipinag-utos ng PANGINOON magpakailanman; ito ay susunuging buo. Bawat butil na handog ng pari ay susunuging buo, hindi ito kakainin." Ang PANGINOON ay nagsalita kay Moises, na sinasabi: "Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak, ito ang kautusan tungkol sa handog pangkasalanan: sa dakong pinagpapatayan ng handog na sinusunog ay doon papatayin sa harapan ng PANGINOON ang handog pangkasalanan; ito ay kabanal-banalang bagay. Ang paring naghandog niyon para sa kasalanan ay kakain niyon. Ito ay kakainin sa banal na dako sa bulwagan ng toldang tipanan. Lahat ng humipo ng laman niyon ay magiging banal; at kapag tumilamsik ang dugo sa damit, ang natilamsikan ay lalabhan sa banal na dako. Ang palayok na pinaglagaan nito ay babasagin; at kung ito'y inilaga sa sisidlang tanso, ito ay lilinisin at babanlawan ng tubig. Bawat lalaki sa mga pari ay kakain niyon; ito ay kabanal-banalan. At alinmang handog pangkasalanan na ang dugo'y ipinasok sa toldang tipanan upang ipantubos sa santuwaryo ay huwag kakainin. Ito ay susunugin ng apoy. "Ito ang batas tungkol sa handog para sa budhing maysala: ito ay kabanal-banalan. Sa dakong pinagpapatayan nila ng handog na sinusunog ay doon papatayin ang handog para sa budhing maysala at ang dugo niyon ay iwiwisik niya sa palibot ng dambana. Lahat ng taba nito ay ihahandog; ang buntot na mataba at ang taba na bumabalot sa lamang loob, at ang dalawang bato at ang tabang nasa mga iyon na nasa mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay na iyong aalisin na kasama ng mga bato. Ang mga iyon ay susunugin ng pari sa ibabaw ng dambana, isang handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy; ito ay handog para sa budhing maysala. Bawat lalaki sa mga pari ay kakain niyon; ito ay dapat kainin sa dakong banal. Kung ano ang handog pangkasalanan ay gayundin ang handog para sa budhing maysala, ang dalawa'y may iisang batas. Ang pari na gumawa ng pagtubos sa pamamagitan nito ay siyang tatanggap nito. Ang paring naghahandog ng handog na sinusunog ng sinumang tao ay siyang magmamay-ari ng balat ng handog na sinusunog na inialay. Bawat butil na handog na niluto sa hurno, at lahat na inihanda sa kawali, mapupunta sa pari na naghahandog niyon. Ngunit bawat butil na handog na tuyo o hinaluan ng langis ay pantay-pantay na paghahatian ng lahat ng anak ni Aaron. "Ito ang batas tungkol sa alay na mga handog pangkapayapaan na ihahandog sa PANGINOON. Kung ihahandog niya iyon bilang pasasalamat, ihahandog niyang kasama ng alay ang mga maninipis na tinapay na walang pampaalsa na hinaluan ng langis, mga munting tinapay na hinaluan ng langis, at manipis na tinapay na gawa sa magandang uri ng harina na hinaluan ng langis. Ihahandog niya ang kanyang alay na munting tinapay na walang pampaalsa kasama ng alay na handog pangkapayapaan para sa pasasalamat. At mula sa mga iyon, siya ay mag-aalay ng isang tinapay sa bawat handog, bilang isang handog sa PANGINOON; ito ay mapupunta sa paring magwiwisik ng dugo ng mga handog pangkapayapaan. Ang laman ng handog pangkapayapaan bilang pasasalamat ay kakainin sa araw ng paghahandog nito; hindi siya magtitira nito hanggang sa umaga. Ngunit kung ang alay na kanyang inihahandog ay isang panata o kusang-loob na handog, ito ay kakainin sa araw ng kanyang paghahandog; at sa kinaumagahan ay kanyang kakainin ang nalabi rito; subalit ang nalabi sa laman ng alay sa ikatlong araw ay susunugin sa apoy. Kung kakainin sa ikatlong araw ang alinmang bahagi ng laman ng alay na handog pangkapayapaan, ito ay hindi tatanggapin. Ito ay hindi ibibilang sa kanya na naghahandog niyon; ito ay magiging kasuklamsuklam, at ang taong kumain nito ay magkakasala. "Ang laman na mapasagi sa anumang bagay na marumi ay hindi kakainin; ito ay susunugin sa apoy. Tanging ang lahat na malinis ang makakakain ng gayong laman. Ngunit ang taong kumakain ng laman ng alay na mga handog pangkapayapaan na para sa PANGINOON na nasa maruming kalagayan ay ititiwalag sa kanyang bayan. Kapag ang isang tao ay humipo sa anumang maruming bagay, maging ng dumi ng tao, o ng hayop na marumi, o anumang kasuklamsuklam, at pagkatapos ay kumain ng laman ng alay na mga handog pangkapayapaan na para sa PANGINOON, ang taong iyon ay ititiwalag sa kanyang bayan." Ang PANGINOON ay nagsalita kay Moises, na sinasabi: "Sabihin mo sa mga anak ni Israel, huwag kayong kakain ng anumang taba ng baka, ng tupa, o ng kambing. Ang taba ng namatay sa kanyang sarili, at ang taba ng nilapa ng hayop, ay magagamit sa anumang paggagamitan, ngunit sa anumang paraan ay huwag ninyong kakainin. Sapagkat sinumang kumain ng taba ng hayop na iyon kung saan ang handog ay pinaraan sa apoy para sa PANGINOON, ay ititiwalag sa kanyang bayan. At huwag kayong kakain ng anumang dugo maging ng ibon o ng hayop, sa lahat ng inyong tahanan. Sinumang kumain ng anumang dugo ay ititiwalag sa kanyang bayan." Ang PANGINOON ay nagsalita kay Moises, na sinasabi: "Sabihin mo sa mga anak ni Israel, Ang naghahandog sa PANGINOON ng handog pangkapayapaan ay magdadala sa PANGINOON ng handog na mula sa kanyang mga handog pangkapayapaan. Ang kanyang sariling mga kamay ang magdadala sa PANGINOON ng mga handog na pinaraan sa apoy; dadalhin niya ang taba kasama ang dibdib upang iwagayway bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng PANGINOON. Susunugin ng pari ang taba sa ibabaw ng dambana, subalit ang dibdib ay magiging kay Aaron at sa kanyang mga anak. At ang kanang hita ay ibibigay ninyo sa pari bilang handog mula sa alay ng inyong mga handog pangkapayapaan. Ang anak ni Aaron na naghahandog ng dugo ng mga handog pangkapayapaan at ng taba ang tatanggap ng kanang hita bilang bahagi. Sapagkat aking kinuha sa mga anak ni Israel, sa kanilang mga alay na mga handog pangkapayapaan, ang dibdib na iwinagayway at ang hitang inialay, at aking ibinigay sa paring si Aaron at sa kanyang mga anak, sa pamamagitan ng isang walang hanggang bahagi na nauukol sa kanila, mula sa mga anak ni Israel. Ito ang bahagi ni Aaron at ng kanyang mga anak mula sa mga handog na pinaraan sa apoy para sa PANGINOON, nang araw na sila ay buhusan ng langis upang maglingkod bilang mga pari ng PANGINOON; iniutos ng PANGINOON na ibibigay sa kanila sa araw na kanyang buhusan sila ng langis mula sa mga anak ni Israel. Ito ay isang walang hanggang tuntunin sa buong panahon ng kanilang salinlahi." Ito ang batas tungkol sa handog na sinusunog, sa butil na handog, sa handog pangkasalanan, sa handog para sa budhing maysala, sa pagtatalaga, at sa mga handog pangkapayapaan, na iniutos ng PANGINOON kay Moises sa bundok ng Sinai, nang araw na iniutos sa mga anak ni Israel na kanilang dalhin ang kanilang mga handog sa PANGINOON sa ilang ng Sinai. Ang PANGINOON ay nagsalita kay Moises, na sinasabi: "Isama mo si Aaron at ang kanyang mga anak, ang mga kasuotan, ang langis na pambuhos, ang torong handog pangkasalanan, ang dalawang tupang lalaki, at ang bakol ng mga tinapay na walang pampaalsa, at tipunin ang buong kapulungan sa pintuan ng toldang tipanan." At ginawa ni Moises ang iniutos sa kanya ng PANGINOON; at ang kapulungan ay nagkatipon sa pintuan ng toldang tipanan. Sinabi ni Moises sa kapulungan, "Ito ang bagay na iniutos ng PANGINOON na gawin." At dinala ni Moises si Aaron at ang kanyang mga anak, at hinugasan sila ng tubig. At isinuot sa kanya ang tunika, binigkisan ng pamigkis, inilagay sa kanya ang balabal, ipinatong ang efod, at ibinigkis sa kanya ang pamigkis na efod na mahusay ang pagkakahabi at itinali ito sa kanya. Ipinatong ni Moises sa kanya ang pektoral, at inilagay ang Urim at ang Tumim sa pektoral. At ipinatong ang turbante sa kanyang ulo; at ipinatong sa harapan ng turbante ang ginintuang plata, ang banal na korona; gaya ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. Pagkatapos ay kinuha ni Moises ang langis na pambuhos at binuhusan ang tabernakulo, at ang lahat ng naroon, at ang mga iyon ay itinalaga. Iwinisik niya ang iba nito sa ibabaw ng dambana ng pitong ulit, at binuhusan ng langis ang dambana at ang lahat ng kasangkapan niyon, ang hugasan at ang tuntungan niyon, upang italaga ang mga iyon. Kanyang binuhusan ng kaunting langis ang ulo ni Aaron upang italaga siya. At pinalapit ni Moises ang mga anak ni Aaron, at sila'y dinamitan ng mga kasuotan, binigkisan ng mga pamigkis, at itinali sa kanilang ulo ang mga turbante, gaya ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. Kanyang inilapit ang torong handog pangkasalanan at ipinatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang mga kamay nila sa ulo ng torong handog pangkasalanan, at pinatay ito. Kinuha ni Moises ang kaunting dugo at ipinahid ito ng kanyang daliri sa ibabaw ng mga sungay sa palibot ng dambana, at nilinis ang dambana. Pagkatapos ay ibinuhos niya ang dugo sa paanan ng dambana sa gayo'y itinalaga niya ito upang makagawa ng pagtubos. Kinuha ni Moises ang lahat ng taba na nasa mga lamang-loob, at ang lamad ng atay, at ang dalawang bato, at ang taba ng mga iyon, at sinunog ang mga iyon sa ibabaw ng dambana. Subalit ang toro, at ang balat nito, anglaman, at ang dumi, ay sinunog niya sa labas ng kampo; gaya ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. Pagkatapos ay inilapit niya ang tupang lalaki na handog na sinusunog, at ipinatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang mga kamay nila sa ulo ng tupa, at iyon ay pinatay. Iwinisik ni Moises ang dugo sa palibot ng dambana. Kinatay ang tupa at ito ay sinunog ni Moises kasama ang ulo, ang mga bahagi, at ang taba. Pagkatapos hugasan sa tubig ang lamang-loob at ang mga paa, ito ay sinunog ni Moises kasama ang buong tupa sa ibabaw ng dambana. Ito ay handog na sinusunog na mabangong samyo, isang handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy, gaya ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. At inilapit niya ang ikalawang tupa, ang tupa ng pagtatalaga, at ipinatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng tupa. Iyon ay pinatay ni Moises at kumuha siya ng kaunting dugo at nilagyan ang dulo ng kanang tainga ni Aaron, ang hinlalaki ng kanyang kanang kamay at ng kanang paa. Pinalapit naman ang mga anak ni Aaron, at nilagyan ni Moises ng dugo ang dulo ng kanilang kanang tainga, ang hinlalaki ng kanilang kanang kamay at ng kanang paa; at iwinisik ni Moises ang dugo sa palibot ng dambana. Pagkatapos ay kinuha niya ang taba, ang matabang buntot, at ang lahat ng tabang bumabalot sa lamang-loob, ang lamad ng atay, ang dalawang bato kasama ang taba ng mga iyon, at ang kanang hita. Mula sa bakol ng tinapay na walang pampaalsa na inilagay sa harapan ng PANGINOON, ay kumuha siya ng isang tinapay na walang pampaalsa, at ng isang tinapay na nilangisan at ng isang manipis na tinapay, at inilagay sa ibabaw ng taba at sa ibabaw ng kanang hita. Lahat ng mga ito ay inilagay niya sa mga kamay ni Aaron at sa kamay ng kanyang mga anak, at iwinawagayway bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng PANGINOON. Pagkatapos ay kinuha ni Moises ang mga iyon sa kanilang mga kamay, at sinunog sa ibabaw ng dambana kasama ng handog na sinusunog bilang handog sa pagtatalaga na mabangong samyo. Ito ay handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy. Kinuha ni Moises ang dibdib at iwinagayway ito bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng PANGINOON. Ito ang bahagi ni Moises sa tupa ng pagtatalaga, gaya ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. At kumuha si Moises ng langis na pambuhos, at ng dugong nasa ibabaw ng dambana, at iwinisik kay Aaron at sa kanyang mga suot, gayundin sa kanyang mga anak at sa mga suot ng kanyang mga anak. Itinalaga niya si Aaron at ang kanyang mga suot, ang kanyang mga anak, gayundin ang mga suot ng kanyang mga anak. At sinabi ni Moises kay Aaron at sa kanyang mga anak, "Pakuluan ninyo ang laman sa pintuan ng toldang tipanan at doon ninyo kainin kasama ng tinapay ng pagtatalaga na nasa bakol, gaya ng iniutos ko, 'Si Aaron at ang kanyang mga anak ay kakain nito.' Ang nalabi sa laman at sa tinapay ay susunugin ninyo sa apoy. Huwag kayong lalabas sa pintuan ng toldang tipanan sa loob ng pitong araw, hanggang sa maganap ang mga araw ng inyong pagtatalaga. Kailangan ang pitong araw upang maitalaga kayo; gaya ng ginawa niya sa araw na ito, ay gayon ang iniutos ng PANGINOON na gawin ninyo upang ipantubos sa inyo. Mananatili kayo sa pintuan ng toldang tipanan gabi't araw sa loob ng pitong araw, at inyong tutuparin ang kautusan ng PANGINOON, upang huwag kayong mamatay; sapagkat gayon ang iniutos sa akin." Ginawa ni Aaron at ng kanyang mga anak ang lahat na iniutos ng PANGINOON sa pamamagitan ni Moises. Nang ikawalong araw, ipinatawag ni Moises si Aaron, ang kanyang mga anak, at ang matatanda sa Israel. Sinabi niya kay Aaron, "Kumuha ka ng isang batang toro bilang handog pangkasalanan, at isang tupang lalaki bilang handog na sinusunog na kapwa walang kapintasan at ihandog mo sa harapan ng PANGINOON. At sabihin mo sa mga anak ni Israel, 'Kumuha kayo ng isang kambing na lalaki bilang handog pangkasalanan, at ng isang batang baka, at isang kordero na kapwa na may gulang na isang taon at walang kapintasan, bilang handog na sinusunog, ng isang bakang lalaki at isang tupang lalaki na mga handog pangkapayapaan, upang ialay sa harapan ng PANGINOON, at ng isang butil na handog na hinaluan ng langis, sapagkat magpapakita sa inyo ngayon ang PANGINOON.'" Kanilang dinala sa harapan ng toldang tipanan ang iniutos ni Moises, at ang buong kapulungan ay lumapit at tumayo sa harap ng PANGINOON. At sinabi ni Moises, "Ito ang bagay na iniutos ng PANGINOON na gawin ninyo upang magpakita sa inyo ang kaluwalhatian ng PANGINOON." Pagkatapos ay sinabi ni Moises kay Aaron, "Lumapit ka sa dambana at mag-alay ka ng handog pangkasalanan at handog na sinusunog, at gumawa ka ng pagtubos para sa iyong sarili at sa bayan. Ialay mo ang handog ng bayan at gumawa ka ng pagtubos para sa kanila, gaya ng iniutos ng PANGINOON." Lumapit naman si Aaron sa dambana at pinatay ang guyang handog pangkasalanan na para sa kanya. At dinala sa kanya ng mga anak ni Aaron ang dugo, inilubog niya ang kanyang daliri sa dugo at ipinahid iyon sa ibabaw ng mga sungay ng dambana at ang nalabing dugo ay ibinuhos sa paanan ng dambana. Subalit ang taba, ang mga bato, at ang lamad na nasa atay ng handog pangkasalanan ay sinunog niya sa ibabaw ng dambana, gaya ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. Ang laman at balat ay sinunog niya sa apoy sa labas ng kampo. At pinatay niya ang handog na susunugin. Ibinigay sa kanya ng mga anak ni Aaron ang dugo, at kanyang iwinisik sa palibot ng dambana. At kanilang ibinigay sa kanya ang handog na sinusunog, na isa-isang putol, at ang ulo at iyon ay sinunog niya sa ibabaw ng dambana. Kanyang hinugasan ang lamang-loob at ang mga paa at sinunog ang mga ito para sa handog na sinusunog sa ibabaw ng dambana. Kasunod niyon inialay niya ang handog ng bayan. Kinuha niya ang kambing na handog pangkasalanan na para sa bayan, at pinatay ito at inihandog bilang handog pangkasalanan, gaya ng una. Dinala niya ang handog na sinusunog at inihandog ayon sa tuntunin. At dinala niya ang butil na handog at pinuno nito ang kanyang palad at sinunog ito sa ibabaw ng dambana, bukod sa handog na sinusunog sa umaga. Pinatay niya ang bakang lalaki at ang tupang lalaki na alay na mga handog pangkapayapaan na para sa bayan. At ibinigay ng mga anak ni Aaron sa kanya ang dugo at kanyang iwinisik sa palibot ng dambana; at ang taba ng toro at ng tupang lalaki, ang matabang buntot at ang tabang bumabalot, at ang mga bato, at ang lamad ng atay. Kanilang inilagay ang mga taba sa ibabaw ng mga dibdib at kanyang sinunog ang taba sa ibabaw ng dambana. At iwinagayway ni Aaron ang mga dibdib at ang kanang hita na handog na iwinawagayway sa harapan ng PANGINOON; gaya ng iniutos ni Moises. Itinaas ni Aaron ang kanyang mga kamay paharap sa taong-bayan at binasbasan sila. Bumaba siya pagkatapos ng paghahandog ng handog pangkasalanan, ng handog na sinusunog, at ng mga handog pangkapayapaan. Pumasok sina Moises at Aaron sa toldang tipanan, at sila'y lumabas at binasbasan ang bayan; at lumitaw ang kaluwalhatian ng PANGINOON sa taong-bayan. Lumabas ang apoy mula sa harapan ng PANGINOON at tinupok ang handog na sinusunog at ang taba sa ibabaw ng dambana. Nang makita iyon ng buong bayan, sila ay nagsigawan at nagpatirapa. Noon, sina Nadab at Abihu, na mga anak ni Aaron, ay kumuha ng kanya-kanyang suuban, at nilagyan ng apoy ang mga ito at pinatungan ng insenso. Sila'y naghandog sa harapan ng PANGINOON ng ibang apoy na hindi niya iniutos sa kanila. At lumabas ang apoy sa harapan ng PANGINOON, nilamon sila, at namatay sila sa harapan ng PANGINOON. Pagkatapos ay sinabi ni Moises kay Aaron, "Ito ang sinabi ng PANGINOON, 'Ako'y magpapakita na banal sa mga lumalapit sa akin; at ako'y maluluwalhati sa harapan ng buong bayan.' " At si Aaron ay nanahimik. Tinawag ni Moises sina Misael at Elzafan, na mga anak ni Uziel na amain ni Aaron, at sa kanila'y sinabi, "Magsilapit kayo, dalhin ninyo ang inyong mga kapatid mula sa harapan ng santuwaryo tungo sa labas ng kampo." Kaya't sila'y lumapit at binuhat sa kanilang mga kasuotan papalabas sa kampo, gaya ng iniutos ni Moises. At sinabi ni Moises kina Aaron, Eleazar, at Itamar na kanyang mga anak, "Huwag ninyong ilugay ang buhok ng inyong ulo, o punitin man ninyo ang inyong mga damit upang huwag kayong mamatay at nang siya'y huwag magalit laban sa buong kapulungan. Tungkol sa inyong mga kapatid, ang buong sambahayan ni Israel, sila ay tataghoy sa apoy na pinapag-alab ng PANGINOON. Huwag kayong lalabas sa pintuan ng toldang tipanan, baka kayo'y mamatay; sapagkat ang langis na pambuhos ng PANGINOON ay nasa inyo." At kanilang ginawa ang ayon sa mga salita ni Moises. At ang PANGINOON ay nagsalita kay Aaron, na sinasabi, "Huwag kayong iinom ng alak o ng matapang na inumin man, ikaw o ang iyong mga anak na kasama mo, kapag kayo'y papasok sa toldang tipanan, upang kayo'y huwag mamatay. Ito ay isang walang hanggang batas sa buong panahon ng inyong mga salinlahi. Inyong lalagyan ng pagkakaiba ang banal at ang karaniwan, ang marumi at ang malinis, at inyong ituturo sa mga anak ni Israel ang lahat ng batas na sinabi sa kanila ng PANGINOON sa pamamagitan ni Moises." Nagsalita si Moises kay Aaron at sa nalabi nitong mga anak, sina Eleazar at Itamar, "Kunin ninyo ang butil na handog na nalabi mula sa mga handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy, at inyong kaining walang pampaalsa sa tabi ng dambana, sapagkat ito ay kabanal-banalan. Ito ay inyong kakainin sa dakong banal, sapagkat ito ang bahagi ninyo at ng inyong mga anak mula sa mga handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy, sapagkat gayon ang iniutos sa akin. Ang dibdib ng handog na iwinawagayway at ang hita na inialay ay kakainin ninyo sa isang malinis na lugar, ikaw at ng iyong mga anak na lalaki at babae. Ang mga iyon ay ibinigay bilang bahagi mo at ng iyong mga anak mula sa mga alay ng handog pangkapayapaan ng mga anak ni Israel. Ang hita na inialay at ang dibdib na iwinawagayway ay kanilang dadalhin kasama ng mga handog na pinaraan sa apoy, ang mga taba, ay kanilang dadalhin upang iwagayway bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng PANGINOON. Ito ay bahagi mo at ng iyong mga anak, gaya ng iniutos ng PANGINOON." At buong sikap na hinanap ni Moises ang kambing na handog pangkasalanan, at iyon ay sinunog na! Siya ay nagalit kina Eleazar at Itamar na mga nalalabing anak ni Aaron, at kanyang sinabi, "Bakit hindi ninyo kinain ang handog pangkasalanan sa banal na lugar? Ito ay kabanal-banalang bagay at ibinigay niya ito sa inyo upang alisin ang kasamaan ng kapulungan, upang gumawa ng pagtubos para sa kanila sa harapan ng PANGINOON? Ang dugo niyon ay hindi ipinasok sa loob ng dakong banal. Tiniyak sana ninyong kinain ito sa banal na dako, gaya ng iniutos ko." At sinabi ni Aaron kay Moises, "Tingnan mo, kanilang inihandog nang araw na ito ang kanilang handog pangkasalanan, at ang kanilang handog na sinusunog sa harapan ng PANGINOON; gayunman ang gayong mga bagay ay nangyari sa akin! Kung ako nga'y nakakain ngayon ng handog para sa kasalanan, ito kaya ay kalugud-lugod sa paningin ng PANGINOON?" Nang marinig ito ni Moises, siya ay sumang-ayon. Ang PANGINOON ay nagsalita kina Moises at Aaron, na sinasabi, "Sabihin ninyo sa mga anak ni Israel: Ito ang mga bagay na may buhay na maaari ninyong kainin sa lahat ng mga hayop na nasa lupa. Anumang hayop na may hati ang paa, biyak, at ngumunguya — ang mga gayon ay maaari ninyong kainin. Gayunman, huwag ninyong kakainin ang mga ito sa mga ngumunguya o doon sa mga may hati ang paa: ang kamelyo, bagaman ngumunguya, ngunit walang hati ang paa, ito ay marumi para sa inyo, at ang kuneho, bagaman ngumunguya, subalit walang hati ang paa, ito ay marumi para sa inyo, at ang liebre, bagaman ngumunguya, subalit walang hati ang paa, ito ay marumi para sa inyo, at ang baboy, bagaman may hati ang paa at biyak subalit hindi ngumunguya, ito ay marumi para sa inyo. Huwag ninyong kakainin ang kanilang laman at huwag ninyong hihipuin ang kanilang mga bangkay; ang mga iyon ay marumi para sa inyo. "Sa lahat ng mga nasa tubig ay maaari ninyong kainin ang mga ito: alinmang may mga palikpik at mga kaliskis na nasa tubig, nasa dagat, at sa mga nasa ilog, ay makakain ninyo. Subalit alinmang walang mga palikpik at mga kaliskis sa mga nasa dagat, nasa ilog, at sa alinmang mga gumagalaw sa mga nasa tubig, at sa lahat ng may buhay sa tubig, ay marumi para sa inyo. Ang mga iyon ay marumi para sa inyo; huwag ninyong kakainin ang laman ng mga iyan, at ang bangkay ng mga iyan ay inyong pandidirihan. Anumang walang mga palikpik at mga kaliskis na nasa tubig ay magiging maruming bagay sa inyo. "At sa mga ibon ay ituturing ninyong marumi ang mga ito. Ang mga ito ay hindi ninyo dapat kakainin; ang mga ito'y marumi: ang agila, buwitre, at buwitreng itim; ang lawin, limbas, ayon sa kanyang uri; bawat uwak ayon sa kanyang uri; ang avestruz, panggabing lawin, at ang lawing dagat, ayon sa kanyang uri; ang maliit na kuwago, somormuho, at ang malaking kuwago; ang puting kuwago, pelikano, at ang buwitre; ang lahat ng uri ng tagak, ang kabag, at ang paniki. "Lahat ng kulisap na may pakpak na lumalakad sa apat na paa ay marumi para sa inyo. Gayunman, ang mga ito'y maaari ninyong kainin sa lahat ng may pakpak na umuusad na may apat na paa, na may mga hita sa itaas ng mga paa, na ginagamit upang makalundag sa lupa. Mula sa kanila ay makakain ninyo ang mga ito: ang balang ayon sa kanyang uri; ang lukton ayon sa kanyang uri, ang kuliglig ayon sa kanyang uri, at ang tipaklong ayon sa kanyang uri. Subalit ang iba pang kulisap na may pakpak na may apat na paa ay marumi para sa inyo. "At sa pamamagitan ng mga ito ay magiging marumi kayo: sinumang humipo ng kanilang mga bangkay ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw. Sinumang bumuhat ng kanilang mga bangkay ay maglalaba ng kanyang mga damit, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw. Bawat hayop na may hati ang kuko, subalit hindi biyak ang paa, o hindi ngumunguya ay marumi para sa inyo: bawat humipo sa mga iyan ay magiging marumi. At anumang lumalakad sa pamamagitan ng kanyang mga kuko sa lahat ng hayop na lumalakad sa pamamagitan ng apat na paa, ay marumi para sa inyo; sinumang humipo ng bangkay ng mga iyan ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw. At ang bumuhat ng bangkay ng mga iyan ay maglalaba ng kanyang mga damit, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw; ang mga ito ay marumi para sa inyo. "At ang mga ito'y marumi para sa inyo sa mga umuusad sa ibabaw ng lupa: ang bubuwit, ang daga, at ang bayawak ayon sa kanyang uri, ang tuko, buwaya, butiki, bubuli, at ang hunyango. Ang mga ito'y marumi sa inyo mula sa lahat ng umuusad; sinumang humipo sa mga iyan, kapag ang mga iyan ay patay, ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw. At anumang malapatan ng mga iyan, kapag ang mga iyan ay patay, ay magiging marumi, maging alinmang kasangkapang yari sa kahoy, o kasuotan, o balat, o sako, alinmang sisidlang ginagamit sa anumang layunin. Dapat itong ilubog sa tubig at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw; pagkatapos, ito ay magiging malinis. Anumang sisidlang yari sa lupa na malapatan ng mga iyan, lahat ng laman niyon ay magiging marumi, at iyon ay inyong babasagin. Sa lahat ng pagkain na maaaring kainin na mabuhusan ng tubig ay magiging marumi; at lahat ng inuming maaaring inumin sa alinman sa mga gayong sisidlan ay magiging marumi. Anumang malapatan ng anumang bahagi ng kanilang bangkay ay magiging marumi; maging hurno o kalan ay babasagin; ang mga ito ay marumi sa inyo. Subalit ang isang bukal o ang isang balon na imbakan ng tubig ay magiging malinis; ngunit ang masagi ng bangkay ng mga iyon ay magiging marumi. At kapag malapatan ng kanilang bangkay ang alinmang binhing panghasik na ihahasik, ito ay malinis; Ngunit kung nabasa ang binhi at malapatan ng bangkay ng mga iyon, ito ay magiging marumi para sa inyo. "Kapag ang alinmang hayop na inyong makakain ay namatay, ang humipo ng bangkay nito ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw, at ang kumain ng bangkay nito ay maglalaba ng kanyang damit, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw; at ang bumuhat ng bangkay nito ay maglalaba ng kanyang damit, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw. "Bawat umuusad sa ibabaw ng lupa ay marumi; hindi ito maaaring kainin. Anumang lumalakad sa pamamagitan ng kanyang tiyan, at lahat ng lumalakad sa pamamagitan ng apat na paa, at anumang mayroong maraming paa, maging sa lahat ng bagay na umuusad sa ibabaw ng lupa, ay huwag ninyong kakainin; sapagkat ang mga ito ay marumi. Huwag ninyong gawing karumaldumal ang inyong sarili sa pamamagitan ng anumang umuusad ni gawin ninyong marumi ang inyong sarili sa pamamagitan ng mga iyan, upang huwag kayong marumihan nila. Sapagkat ako ang PANGINOON ninyong Diyos, kaya't pakabanalin ninyo ang inyong mga sarili, at kayo'y maging banal, sapagkat ako ay banal. Huwag ninyong durungisan ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng anumang umuusad sa ibabaw ng lupa. Sapagkat ako ang PANGINOON na naglabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto, upang maging inyong Diyos; kayo nga'y magpakabanal, sapagkat ako'y banal." Ito ang batas tungkol sa hayop, sa ibon, at sa lahat na may buhay na gumagalaw na nasa tubig, at sa lahat ng nilikha na umuusad sa ibabaw ng lupa, upang bigyan ng pagkakaiba ang marumi at ang malinis, at ang may buhay na maaaring kainin at ang may buhay na hindi maaaring kainin. Ang PANGINOON ay nagsalita kay Moises, na sinasabi, "Sabihin mo sa mga anak ni Israel: Kung ang isang babae ay maglihi, at manganak ng isang lalaki, siya ay magiging marumi sa loob ng pitong araw; kagaya nang sa mga araw ng kanyang pagkakaroon ng regla, siya ay magiging marumi. At sa ikawalong araw ang bata ay tutuliin. Siya'y magpapatuloy sa panahon ng kanyang paglilinis sa dugo sa loob ng tatlumpu't tatlong araw; huwag siyang hihipo ng anumang bagay na banal, at huwag siyang papasok sa santuwaryo, hanggang sa matapos ang mga araw ng kanyang paglilinis. Ngunit kung manganak siya ng babae, siya ay magiging marumi sa loob ng dalawang linggo, gaya ng sa kanyang panahon ng pagkakaroon ng regla; siya'y magpapatuloy sa panahon ng kanyang paglilinis sa dugo sa loob ng animnapu't anim na araw. "Kapag ang mga araw ng kanyang paglilinis ay matapos na, maging sa anak na lalaki o sa anak na babae, siya ay magdadala sa paring nasa pintuan ng toldang tipanan ng isang taong gulang na kordero bilang handog na sinusunog, at isang batang kalapati o isang batu-bato bilang handog pangkasalanan. Ihahandog ito ng parig sa harapan ng PANGINOON, at itutubos para sa kanya; at siya'y malilinis sa agos ng kanyang dugo. Ito ang batas tungkol sa kanya na nanganak, maging ng lalaki o ng babae. Kung hindi niya kayang bumiling kordero, siya ay kukuha ng dalawang batu-bato o ng dalawang batang kalapati, ang isa'y bilang handog na sinusunog at ang isa'y handog pangkasalanan. Ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya, at siya'y magiging malinis." Sinabi ng PANGINOON kina Moises at Aaron: "Kapag ang isang tao ay nagkaroon ng pamamaga sa balat ng kanyang katawan, o langib, o kaya'y singaw, at sa balat ng kanyang katawan ay naging salot na ketong, dadalhin siya sa paring si Aaron, o sa isa sa kanyang mga anak na pari. Susuriin ng pari ang bahaging may karamdaman na nasa balat ng kanyang katawan; at kung ang balahibo sa salot ay pumuti, at ang anyo ng karamdaman ay higit na malalim kaysa balat ng kanyang katawan, ito nga ay salot na ketong. Pagkatapos na siya'y masuri ng pari, ipahahayag niya na marumi siya. Subalit kung ang pamamaga ay maputi sa balat ng kanyang katawan, at makitang ito ay hindi malalim kaysa balat, at ang balahibo niyon ay hindi pumuti, ibubukod ng pari ang may karamdaman sa loob ng pitong araw. Siya'y susuriin ng pari sa ikapitong araw, at kung makitang ang bahaging may karamdaman ay tumigil at ito ay hindi kumalat sa balat, ibubukod siyang muli ng pari sa loob ng pitong araw pa. Muli siyang susuriin ng pari sa ikapitong araw, at kung makitang ang bahaging may karamdaman ay namutla, at ang sakit ay hindi kumalat sa balat, kung gayon ay ipahahayag siya ng pari na malinis. Iyon ay isa lamang singaw at lalabhan niya ang kanyang damit, at magiging malinis. Subalit kung ang singaw ay kumakalat sa balat pagkatapos na siya'y magpakita sa pari para sa kanyang paglilinis, siya ay muling magpapakita sa pari. Siya'y susuriin ng pari, at kung ang singaw ay kumakalat na sa balat, ipahahayag ng pari na siya ay marumi; ketong nga iyon. "Kapag ang salot na ketong ay nasa isang tao, siya ay dadalhin sa pari. Siya'y susuriin ng pari, at kung may maputing pamamaga sa balat, at pumuti ang balahibo, at may buhay na laman sa pamamaga, iyon ay matagal nang ketong sa balat ng kanyang laman. Siya'y ipahahayag ng pari na marumi; hindi siya ikukulong sapagkat siya'y marumi. At kung kumalat ang ketong sa balat, at ang ketong ay bumalot sa buong balat ng may salot, mula sa ulo hanggang sa kanyang mga paa, sa buong maaabot ng paningin ng pari; kung gayo'y susuriin siya ng pari, at kung makitang ang ketong ay kumalat na sa kanyang buong katawan, kanyang ipahahayag na siya'y malinis na sa sakit. Yamang ito'y pumuting lahat, siya'y malinis. Subalit sa araw na makitaan siya ng lamang buhay, siya ay magiging marumi. Susuriin ng pari ang lamang buhay, at siya'y ipahahayag na marumi; ang lamang buhay ay marumi; ito ay ketong. Ngunit kapag pumuti ang lamang buhay, ay lalapit siya sa pari; siya'y susuriin ng pari, at kung ang karamdaman ay pumuti, ang may karamdaman ay ipahahayag ng pari na malinis; siya nga'y malinis. "Kung sa balat ay may isang bukol na gumaling, at ang humalili sa bukol ay isang pamamaga na maputi, o isang pantal na makintab na namumula, ito ay ipapakita sa pari. Susuriin ito ng pari, at kung makitang ito'y tila mas malalim kaysa balat, at ang balahibo niyon ay pumuti, ipahahayag ng pari na siya ay marumi. Ito ay sakit na ketong na lumitaw mula sa bukol. Subalit kung sa pagsusuri ng pari ay makitang walang balahibong puti iyon, o hindi malalim kaysa balat, kundi maitim-itim, siya ay ibubukod ng pari sa loob ng pitong araw. At kung ito ay kumalat sa balat, ipahahayag ng pari na siya ay marumi; iyon nga ay sakit. Ngunit kung ang pamamaga ay tumigil sa kanyang kinaroroonan, at hindi kumalat, ito ay galos ng bukol; at ipahahayag ng pari na siya ay malinis. "O kapag ang katawan ay may paso sa balat at ang laman sa paso ay naging tila mapulang-mapula, o maputi; ito ay susuriin ng pari, at kung makitang ang buhok ay pumuti sa bahaging makintab, at tila mas malalim kaysa balat, ito ay ketong. Ito ay lumitaw sa paso, at ipahahayag ng pari na siya ay marumi; ito ay sakit na ketong. Ngunit kung sa pagsusuri ng pari ay walang balahibong maputi sa bahaging makintab at ito ay hindi mas malalim kaysa ibang balat, kundi parang maitim-itim, ibubukod siya ng pari sa loob ng pitong araw. Sa ikapitong araw ay titingnan siya ng pari, at kung ito ay kumalat na sa balat, ipahahayag ng pari na siya ay marumi. Ito ay sakit na ketong. Kung ang bahaging makintab ay nanatili sa kanyang kinaroroonan at hindi kumakalat sa balat, kundi maitim-itim, ito ay pamamaga ng paso, at ipahahayag ng pari na siya ay malinis, sapagkat iyon ay isang pilat ng paso. "At kung ang sinumang lalaki o babae ay mayroong karamdaman sa ulo o sa balbas, ay susuriin nga ng pari ang karamdaman, at kung ang anyo ay mas malalim kaysa balat, at ang buhok doon ay madilaw at manipis, ipahahayag ng pari na siya ay marumi; ito ay pangangati na isang uri ng ketong sa ulo o sa baba. Kapag tiningnan ng pari ang makating karamdaman, at tila hindi mas malalim kaysa balat, at wala iyong buhok na maitim, ibubukod ng pari sa loob ng pitong araw ang may makating karamdaman. At sa ikapitong araw ay susuriin ng pari ang karamdaman; at kung makitang hindi kumalat ang pangangati, at walang buhok na naninilaw, at tila ang pangangati ay hindi mas malalim kaysa balat, kung gayon ay mag-aahit siya, subalit hindi aahitan ang kinaroroonan ng pangangati, at muling ibubukod ng pari ang maysakit ng pangangati sa loob ng pitong araw. Susuriin ng pari ang pangangati sa ikapitong araw, at kung makitang hindi kumalat ang pangangati sa balat, at tila hindi mas malalim kaysa balat, ipahahayag ng pari na siya ay malinis, at siya'y maglalaba ng kanyang damit at magiging malinis. Ngunit kung ang pangangati ay kumalat na sa balat pagkatapos ng kanyang paglilinis, ay susuriin siya ng pari, at kung kumalat na sa balat ang pangangati, hindi na hahanapin ng pari ang buhok na naninilaw; siya'y marumi. Subalit kung sa kanyang mga mata ay napigil na ang pangangati at may tumubong buhok na itim at gumaling na ang pangangati, siya'y malinis; at siya'y ipahahayag na malinis ng pari. "Kapag ang isang lalaki o babae ay nagkaroon sa balat ng nangingintab na pantal, ng mga makintab na pantal na puti, ito ay susuriin ng pari, at kung may namumuti na nangingintab na pantal sa balat ng kanyang laman; ito ay isang singaw na sumibol sa balat; siya'y malinis. "Kapag ang buhok ng sinuman ay nalalagas mula sa kanyang ulo, siya ay kalbo, gayunma'y malinis. At kung ang kanyang buhok ay nalagas mula sa kanyang noo, siya ay kalbo mula sa noo, ngunit siya ay malinis. Subalit kung sa kalbong ulo o noo ay magkaroon ng namumula o namumuting sugat, ito ay ketong na sumibol sa kanyang kalbong ulo o sa kanyang kalbong noo. Siya'y susuriin ng pari, at kung ang pamamaga ng karamdaman ay mapula-pula na maputi sa kanyang kalbong ulo o sa kanyang kalbong noo, gaya ng anyo ng ketong sa balat ng kanyang katawan, siya ay ketongin, siya'y marumi. Ipahahayag ng pari na siya ay marumi; ang kanyang sakit ay nasa kanyang ulo. "Ang ketonging may sakit ay magsusuot ng punit na damit, at ang buhok ng kanyang ulo ay ilulugay, at tatakpan niya ang itaas na bahagi ng kanyang nguso, at siya'y sisigaw, 'Marumi, marumi.' Siya'y mananatiling marumi hangga't nasa kanya ang karamdaman; siya'y marumi. Siya ay maninirahang mag-isa sa labas ng kampo. "Kung alinman sa mga kasuotan ay may sakit na ketong; sa kasuotang mula sa balahibo ng tupa o kasuotang lino, maging ito ay paayon o pahalang; o ng lino o ng balahibo ng tupa, maging sa balat o sa alinmang yari sa balat, at kung ang salot ay nagkukulay berde o namumula sa kasuotan, o sa balat, o sa paayon, o sa pahalang, o sa alinmang kasangkapang yari sa balat; ito ay sakit na ketong at ito ay ipapakita sa pari. Susuriin ng pari ang sakit, at ibubukod ang bagay na may sakit sa loob ng pitong araw. Kanyang susuriin ang sakit sa ikapitong araw at kung kumalat na ang sakit sa kasuotan, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa balat, o alinmang yari sa balat upang gamitin, ang salot ay isang kumakalat na ketong; iyon ay marumi. Kanyang susunugin ang kasuotan, maging paayon, at maging pahalang, ng balahibo ng tupa o lino o sa alinmang kasangkapang yari sa balat na kinaroroonan ng salot. Sapagkat iyon ay ketong na kumakalat; iyon ay susunugin sa apoy. "Kapag sinuri ng pari, at ang sakit ay hindi kumalat sa kasuotan, maging sa paayon man, o sa pahalang man, o sa alinmang kasangkapang yari sa balat, kung gayon ay mag-uutos ang pari, at kanilang lalabhan ang kinaroroonan ng sakit, at ito ay ibubukod na muli sa loob ng pitong araw. Susuriin ng pari ang bagay na may sakit pagkatapos na malabhan; at kung makitang ang sakit ay hindi nagbago ng anyo nito, at kung hindi kumalat ang sakit, ito ay marumi. Susunugin mo ito sa apoy, maging ang bahaging may ketong ay nasa likuran o sa harapan. "Subalit kapag tiningnan ng pari, at nakitang nangitim ang dakong may sakit pagkatapos na malabhan, ito ay hahapakin mula sa kasuotan, o mula sa paayon, o mula sa pahalang. At kung ito ay nakikita pa sa kasuotang iyon, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa alinmang yari sa balat, ito ay sakit na kumakalat; susunugin mo sa apoy ang kinaroroonan ng sakit. Ang kasuotan, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa alinmang yari sa balat, na pinanggalingan ng sakit matapos mo itong malabhan, ay muli mong lalabhan, at magiging malinis." Ito ang batas tungkol sa sakit na ketong sa kasuotang balahibo ng tupa o lino, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa alinmang yari sa balat, upang maipahayag kung ito ay malinis o marumi. At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Ito ang magiging batas tungkol sa ketongin sa mga araw ng kanyang paglilinis. Siya'y dadalhin sa pari; at ang pari ay lalabas sa kampo at susuriin siya. Kung ang sakit na ketong ay gumaling na sa ketongin, iuutos ng pari sa kanila na ikuha siya ng dalawang buhay na malinis na ibon, kahoy na sedro, lanang pula at isopo; at ipag-uutos ng pari sa kanila na patayin ang isa sa mga ibon sa isang sisidlang luwad sa ibabaw ng tubig na umaagos. Kukunin niya ang ibong buhay, ang kahoy na sedro, ang lanang pula at ang isopo, at itutubog ang mga ito at ang ibong buhay sa dugo ng ibong pinatay sa ibabaw ng tubig na umaagos. Iwiwisik niya nang pitong ulit sa taong lilinisin mula sa ketong; pagkatapos ay ipahahayag siya na malinis, at pakakawalan ang ibong buhay sa kalawakan ng parang. At siya na lilinisin ay maglalaba ng kanyang kasuotan at aahitin ang lahat niyang buhok, at maliligo sa tubig, at siya'y magiging malinis. Pagkatapos ay papasok siya sa kampo, subalit maninirahan sa labas ng kanyang tolda sa loob ng pitong araw. Sa ikapitong araw ay muli niyang aahitin ang lahat ng buhok: sa ulo, baba, at kilay at lahat ng buhok sa kanyang katawan. Pagkatapos ay lalabhan niya ang kanyang kasuotan, at maliligo siya sa tubig, at siya ay magiging malinis. "Sa ikawalong araw, kukuha siya ng dalawang korderong lalaki na walang kapintasan, at ng isang korderong babae na isang taong gulang at walang kapintasan, at ng ikasampung bahagi ng harinang hinaluan ng langis, isang handog at ng isang log na langis, bilang pagkaing handog. Ang paring naglilinis sa taong lilinisin ay tatayo sa harapan ng PANGINOON sa pintuan ng toldang tipanan kasama ng mga bagay na ito. Kukunin ng pari ang isa sa mga korderong lalaki at ihahandog bilang handog para sa budhing maysala, at ang log ng langis, at iwawagayway bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng PANGINOON. Kanyang papatayin ang korderong lalaki sa lugar na pinagpapatayan nila ng handog pangkasalanan at ng handog na sinusunog, sa banal na dako; sapagkat gaya ng handog pangkasalanan, ang handog para sa budhing maysala ay para sa pari; ito ay kabanal-banalan. Ang pari ay kukuha ng dugo ng handog para sa budhing maysala at ilalagay niya sa dulo ng kanang tainga, sa hinlalaki ng kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanang paa ng taong lilinisin. Pagkatapos ay kukuha ang pari ng log ng langis at ibubuhos sa ibabaw ng palad ng kanyang kaliwang kamay, at itutubog ng pari ang kanyang kanang daliri sa langis na nasa kanyang kaliwang kamay, at iwiwisik ang langis ng pitong ulit sa pamamagitan ng kanyang daliri sa harapan ng PANGINOON. Mula sa nalabing langis na nasa kanyang kamay ay maglalagay ang pari ng dugo sa dulo ng kanang tainga, sa hinlalaki ng kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanang paa ng taong lilinisin, sa ibabaw ng dugo ng handog para sa budhing maysala. Ang nalabing langis na nasa kamay ng pari ay ilalagay niya sa ulo ng taong lilinisin, at ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya sa harapan ng PANGINOON. Mag-aalay ang pari ng handog pangkasalanan, at itutubos sa kanya na lilinisin mula sa kanyang karumihan. Pagkatapos ay papatayin niya ang handog na sinusunog, at iaalay ng pari ang handog na sinusunog at ang butil na handog sa ibabaw ng dambana. Gayon gagawin ng pari ang pagtubos para sa kanya, at siya'y magiging malinis. "Kung siya'y dukha at ang kanyang kakayahan ay hindi makakasapat, kukuha siya ng isang korderong lalaki na handog para sa budhing maysala bilang handog na iwinawagayway upang ipantubos sa sarili, at ng ikasampung bahagi ng harina na hinaluan ng langis bilang butil na handog, ng isang log ng langis; at ng dalawang batu-bato o ng dalawang batang kalapati, ayon sa kanyang kaya; at ang isa ay magiging handog pangkasalanan, at ang isa'y handog na sinusunog. Sa ikawalong araw ay kanyang dadalhin ang mga iyon sa pari sa pintuan ng toldang tipanan para sa kanyang paglilinis sa harapan ng PANGINOON. At kukunin ng pari ang korderong handog para sa budhing maysala at ang log ng langis at iwawagayway ang mga ito ng pari bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng PANGINOON. Kanyang papatayin ang korderong handog para sa budhing maysala, at kukuha ang pari ng dugo mula sa handog para sa budhing maysala, at ilalagay sa dulo ng kanang tainga, sa hinlalaki ng kanyang kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanang paa ng taong lilinisin; at ibubuhos ng pari ang langis sa ibabaw ng palad ng kanyang kaliwang kamay. Pitong ulit na iwiwisik ng pari sa pamamagitan ng kanyang kanang daliri ang langis na nasa kanyang kaliwang kamay sa harapan ng PANGINOON. At ilalagay ng pari ang langis na nasa kanyang kamay sa dulo ng kanang tainga, at hinlalaki ng kanang kamay, at sa hinlalaki ng kanang paa ng taong lilinisin sa ibabaw ng pinaglagyan ng dugo ng handog para sa budhing maysala. Ang nalabing langis na nasa kamay ng pari ay ilalagay niya sa ulo ng taong lilinisin, upang ipantubos sa kanya sa harapan ng PANGINOON. At kanyang ihahandog ang isa sa mga batu-bato o sa mga inakay ng kalapati, kung alin ang kanyang kaya. Kung alin ang abot ng kanyang kaya, ang isa'y handog pangkasalanan, at ang isa'y handog na sinusunog, bukod sa butil na handog. At ang pari ay gagawa ng pagtubos sa harapan ng PANGINOON para sa kanya na lilinisin. Ito ang batas tungkol sa may sakit na ketong na hindi kayang bumili ng mga handog para sa kanyang paglilinis." Sinabi ng PANGINOON kina Moises at Aaron: "Pagdating ninyo sa lupain ng Canaan na aking ibinigay sa inyo bilang pag-aari, at ako'y naglagay ng sakit na ketong sa isang bahay sa lupaing inyong pag-aari, ang may-ari ng bahay ay lalapit sa pari at sasabihin, 'Mayroon yatang isang uri ng sakit sa aking bahay.' Ipag-uutos ng pari na alisan ng laman ang bahay bago siya pumasok upang tingnan ang sakit, upang ang lahat na nasa bahay ay huwag maging marumi; at pagkatapos ay papasok ang pari upang tingnan ang bahay. Kanyang susuriin ang salot, at kung ang salot ay nasa mga dingding ng bahay na nagkukulay berde, o namumula ng batik at ang anyo nito ay mas malalim kaysa dingding, kung gayon ay lalabas ang pari sa bahay tungo sa pintuan ng bahay at isasara ang bahay sa loob ng pitong araw. Muling babalik ang pari sa ikapitong araw at gagawa ng pagsusuri, at kung kumalat na ang salot sa mga dingding ng bahay, ay ipag-uutos nga ng pari na alisin ang mga batong kinaroroonan ng salot at itapon ang mga iyon sa isang dakong marumi sa labas ng bayan. Kanyang ipakakayod ang palibot ng loob ng bahay, at kanilang ibubuhos ang duming kinayod sa labas ng bayan, sa isang dakong marumi; at sila'y kukuha ng ibang mga bato, at ihahalili sa mga batong iyon, at kukuha ng ibang pampalitada para sa bahay. "Kung muling bumalik ang salot, at lumitaw sa bahay pagkatapos na maalis ang mga bato at pagkatapos ipakayod ang bahay, at pagkatapos na mapalitadahan, ay papasok ang pari at magsisiyasat. Kung ang salot ay kumalat na sa bahay, ito ay ketong na nakakasira sa bahay; ito'y marumi. Gigibain niya ang bahay, ang mga bato at ang mga kahoy, at ang lahat ng palitada ng bahay, at kanyang dadalhin sa labas ng bayan, sa isang dakong marumi. Ang pumasok sa bahay sa lahat ng mga araw na ito'y ipinasara ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw. At ang mahiga sa bahay na iyon ay maglalaba ng kanyang mga damit; at ang kumain sa bahay na iyon ay maglalaba ng kanyang mga damit. "Subalit kapag pumasok ang pari at maingat na tiningnan ito at ang salot ay hindi na kumalat sa bahay pagkatapos na mapalitadahan, ipahahayag ng pari na malinis ang bahay, sapagkat ang sakit ay napagaling na. Kukuha siya ng dalawang ibon para sa paglilinis ng bahay, ng kahoy na sedro, ng pulang sinulid, at ng isopo, at papatayin ang isa sa mga ibon sa isang sisidlang lupa sa ibabaw ng tubig na umaagos, at kukunin niya ang kahoy na sedro, at ang isopo, at ang pulang sinulid, at ang ibong buhay, at ilulubog ang mga ito sa dugo ng ibong pinatay, at sa tubig na umaagos, at iwiwisik ng pitong ulit sa bahay. Gayon niya lilinisin ang bahay sa pamamagitan ng dugo ng ibon, ng agos ng tubig, ng ibong buhay, ng kahoy na sedro, ng isopo, at ng pulang sinulid; at kanyang pakakawalan ang ibong buhay sa labas ng bayan, sa kaparangan, at matutubos ang bahay; at ito ay magiging malinis." Ito ang batas para sa bawat sari-saring sakit na ketong, sa pangangati; sa ketong ng kasuotan at ng bahay, at sa pamamaga, sa singaw, at sa batik na makintab; upang ipakita kung kailan marumi, at kung kailan malinis. Ito ang batas tungkol sa ketong. Sinabi ng PANGINOON kina Moises at Aaron, "Magsalita kayo sa mga anak ni Israel, at inyong sabihin sa kanila: Kapag ang isang lalaki ay mayroong tulo mula sa kanyang katawan, siya ay marumi dahil sa kanyang tulo. At ito ang batas tungkol sa kanyang pagiging marumi dahil sa kanyang tulo. Maging ang kanyang katawan ay may tulo, o huminto na ang tulo sa kanyang katawan, ito ay karumihan sa kanya. Bawat higaang mahigaan ng may tulo ay magiging marumi; at bawat bagay na kanyang maupuan ay magiging marumi. At sinumang humipo ng kanyang higaan ay maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw. Ang umupo sa anumang bagay na inupuan ng may tulo ay maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw. Ang humipo ng katawan ng may tulo ay maglalaba ng kanyang mga damit at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw. Kung ang may tulo ay lumura sa taong malinis, maglalaba siya ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, magiging marumi siya hanggang sa paglubog ng araw. Ang bawat upuang sapin na sakyan ng may tulo ay magiging marumi. Sinumang taong humipo ng alinmang bagay na nasa ilalim niya, ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw; at ang magdala ng mga bagay na iyon ay maglalaba ng kanyang mga damit at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw. Sinumang mahipo ng may tulo na hindi nakapaghugas ng kanyang mga kamay sa tubig, maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw. Ang sisidlang-lupa na mahipo ng may tulo ay babasagin, at ang lahat ng sisidlang-kahoy ay babanlawan ng tubig. "At kapag ang may tulo ay luminis na sa kanyang tulo ay bibilang siya ng pitong araw sa kanyang paglilinis, at maglalaba ng kanyang mga damit. Paliliguan din niya ang kanyang katawan sa tubig na umaagos, at magiging malinis. Sa ikawalong araw ay magdadala siya ng dalawang batu-bato, o ng dalawang batang kalapati, at haharap siya sa PANGINOON sa pasukan ng toldang tipanan, at ibibigay niya ang mga ito sa pari. Ihahandog ng pari ang mga ito, ang isa'y handog pangkasalanan, at ang isa'y handog na sinusunog at ang pari ay gagawa ng pagtubos para sa kanya sa harapan ng PANGINOON, dahil sa kanyang tulo. "Kung ang isang lalaki ay nilalabasan ng binhi, paliliguan niya ng tubig ang kanyang buong katawan, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw. At lahat ng damit at balat na kinaroroonan ng binhi ay lalabhan sa tubig, at magiging marumi hanggang paglubog ng araw. Kung ang lalaking nilalabasan ng binhi ay sumiping sa isang babae, silang dalawa ay maliligo sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw. "Kapag ang isang babae ay nilalabasan ng dugo na kanyang buwanang pagdurugo mula sa kanyang katawan, siya ay marumi sa loob ng pitong araw; at sinumang humipo sa kanya ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw. Anumang kanyang mahigaan sa panahon ng kanyang karumihan ay magiging marumi; at anumang maupuan niya ay magiging marumi. Sinumang humipo ng kanyang higaan ay maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw. At ang sinumang humipo ng alinmang bagay na kanyang maupuan ay maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw. Maging ito ay nasa ibabaw ng higaan o nasa anumang bagay na inupuan niya, kapag kanyang hinipo, siya ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw. Kung ang sinumang lalaki ay sumiping sa kanya, at mapasa lalaki ang karumihan niya, ang lalaki ay magiging marumi sa loob ng pitong araw; at bawat higaan na kanyang higaan ay magiging marumi. "Kung ang isang babae ay labasan ng dugo sa loob ng maraming araw sa hindi kapanahunan ng kanyang karumihan, o kung labasan ng dugo na lampas sa panahon ng kanyang karumihan; siya ay marumi sa buong panahon ng kanyang karumihan. Bawat higaan na kanyang hinihigan sa buong panahon ng kanyang pagdurugo, ay magiging sa kanya'y gaya ng higaan ng kanyang karumihan; at bawat bagay na kanyang maupuan ay magiging marumi, na gaya ng pagiging marumi ng kanyang karumihan. Sinumang humipo ng mga bagay na iyon ay magiging marumi, at maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo siya sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw. Subalit kapag siya'y gumaling sa kanyang pagdurugo, bibilang siya ng pitong araw, at pagkatapos niyon ay magiging malinis siya. Sa ikawalong araw ay kukuha siya ng dalawang batu-bato o ng dalawang batang kalapati, at dadalhin niya sa pari sa pintuan ng toldang tipanan. Ihahandog ng pari ang isa bilang handog pangkasalanan, at ang isa'y handog na sinusunog; at itutubos sa kanya ng pari sa harap ng PANGINOON, dahil sa kanyang maruming pagdurugo. "Ganito ninyo ihihiwalay ang mga anak ni Israel sa kanilang pagiging marumi, upang huwag silang mamatay sa kanilang karumihan, kapag dinungisan ang aking tabernakulo na nasa kanilang kalagitnaan. Ito ang batas tungkol sa may tulo at sa nilalabasan ng binhi, kaya't naging marumi; gayundin sa babaing may sakit ng kanyang karumihan, sa sinuman, babae o lalaki, na dinudugo o may tulo, at lalaki na sumisiping sa babaing marumi. Nagsalita ang PANGINOON kay Moises, pagkamatay ng dalawang anak ni Aaron, nang sila'y lumapit sa harapan ng PANGINOON at namatay. Sinabi ng PANGINOON kay Moises: "Sabihin mo kay Aaron na iyong kapatid na huwag papasok nang wala sa panahon sa santuwaryo sa loob ng tabing, sa harapan ng luklukan ng awa na nasa ibabaw ng kaban upang siya'y huwag mamatay, sapagkat ako'y magpapakita sa ulap sa ibabaw ng luklukan ng awa. Ganito papasok si Aaron sa loob ng dakong banal: may dalang isang guyang toro na handog pangkasalanan, at isang tupang lalaki na handog na sinusunog. Siya'y magsusuot ng banal na kasuotang lino, at ng lino bilang kasuotang panloob kasunod ng kanyang katawan, at magbibigkis ng pamigkis na lino, at magsusuot ng turbanteng lino; ito ang mga kasuotang banal. Paliliguan niya ang kanyang katawan sa tubig at pagkatapos ay isusuot niya ang mga iyon. Siya'y kukuha mula sa kapulungan ng mga anak ni Israel ng dalawang kambing na lalaki bilang handog pangkasalanan, at ng isang tupang lalaki bilang handog na sinusunog. "At iaalay ni Aaron ang toro bilang handog pangkasalanan para sa kanyang sarili, at itutubos niya sa kanya at sa kanyang sambahayan. Pagkatapos ay kukunin niya ang dalawang kambing at ilalagay niya sa harapan ng PANGINOON sa pintuan ng toldang tipanan. Sa pamamagitan ng palabunutan ay pipiliin ni Aaron kung alin sa dalawang kambing ang sa PANGINOON at kung alin ang kay Azazel. At ihaharap ni Aaron ang kambing na nabunot para sa PANGINOON, at ihahandog ito bilang handog pangkasalanan. Ngunit ang kambing na nabunot para kay Azazel ay ilalagay na buhay sa harapan ng PANGINOON upang itubos sa kanya, at payaunin sa ilang kay Azazel. "Ihaharap ni Aaron ang toro bilang handog pangkasalanan para sa kanyang sarili, at itutubos para sa kanya at sa kanyang sambahayan, at papatayin niya ang toro bilang handog pangkasalanan para sa kanyang sarili. Kukuha siya mula sa dambana na nasa harapan ng PANGINOON ng isang suuban na puno ng mga baga, at ng dalawang dakot ng masarap na dinikdik na insenso at kanyang dadalhin sa loob ng tabing. Ilalagay niya ang insenso sa ibabaw ng apoy sa harapan ng PANGINOON upang ang mga usok ng insenso ay tumakip sa luklukan ng awa na nasa ibabaw ng patotoo, upang huwag siyang mamatay. At siya'y kukuha ng dugo ng toro at iwiwisik ito sa pamamagitan ng kanyang daliri sa ibabaw ng luklukan ng awa, at sa harapan ng luklukan ng awa ay iwiwisik niya ng pitong ulit ang dugo sa pamamagitan ng kanyang daliri. "Pagkatapos ay papatayin niya ang kambing na handog pangkasalanan na para sa bayan, at dadalhin ang dugo niyon sa loob ng tabing. Ang gagawin sa dugo ay ang gaya ng ginawa sa dugo ng toro, at iwiwisik iyon sa ibabaw ng luklukan ng awa at sa harapan ng luklukan ng awa. Gayon niya tutubusin ang santuwaryo dahil sa karumihan ng mga anak ni Israel, at dahil sa kanilang mga pagsuway, sa lahat nilang mga kasalanan. Gayon ang kanyang gagawin sa toldang tipanan na nasa kanila, sa gitna ng kanilang mga karumihan. Huwag magkakaroon ng sinumang tao sa toldang tipanan kapag siya'y pumasok upang gumawa ng pagtubos sa loob ng dakong banal hanggang sa lumabas siya at matubos ang sarili, at ang kanyang kasambahay, at ang buong kapulungan ng Israel. Pagkatapos ay lalabas siya patungo sa dambana na nasa harapan ng PANGINOON, at gagawa ng pagtubos para dito, at kukuha ng dugo ng toro at ng kambing, at ilalagay sa mga sungay sa palibot ng dambana. Pitong ulit niyang iwiwisik ang dugo sa dambana sa pamamagitan ng kanyang daliri, at lilinisin at babanalin ito mula sa mga karumihan ng mga anak ni Israel. "Pagkatapos niyang matubos ang dakong banal, ang toldang tipanan, at ang dambana, ay ihahandog niya ang kambing na buhay. At ipapatong ni Aaron ang kanyang dalawang kamay sa ulo ng kambing na buhay, at ipahahayag sa ibabaw niyon ang lahat ng mga kasamaan, mga paglabag at lahat ng mga kasalanan ng mga anak ni Israel. Ilalagay niya ang mga iyon sa ulo ng kambing at ipapadala sa ilang sa pamamagitan ng isang taong pinili. Dadalhin ng kambing ang lahat ng mga kasamaan nila sa lupaing walang naninirahan, at pakakawalan niya ang kambing sa ilang. "At papasok si Aaron sa toldang tipanan at huhubarin ang mga suot na lino na isinuot niya nang siya'y pumasok sa dakong banal at iiwan niya ang mga iyon doon. Paliliguan niya ang kanyang katawan sa tubig sa isang dakong banal, at isusuot ang kanyang mga damit at lalabas, at iaalay ang kanyang handog na sinusunog at ang handog na sinusunog para sa bayan. Gayon niya gagawin ang pagtubos para sa kanyang sarili at sa bayan. Kanyang susunugin sa ibabaw ng dambana ang taba ng handog para sa kasalanan. At ang nagpakawala ng kambing na ukol kay Azazel ay maglalaba ng kanyang mga damit at paliliguan ang kanyang katawan sa tubig, at pagkatapos ay papasok siya sa kampo. Ang toro na handog pangkasalanan at ang kambing na handog pangkasalanan, na ang dugo ay ipinasok upang ipantubos sa dakong banal ay ilalabas sa kampo; at susunugin nila sa apoy ang mga balat, ang laman, at ang dumi ng mga iyon. Ang magsusunog ng mga iyon ay maglalaba ng kanyang mga damit, at paliliguan ang kanyang katawan sa tubig, at pagkatapos ay papasok siya sakampo. "Ito'y magiging alituntunin magpakailanman para sa inyo: sa ikapitong buwan ng ikasampung araw ng buwan ay magpakasakit kayo sa inyong mga sarili, at huwag gagawa ng anumang gawain, ang mamamayan, ni ang taga-ibang bayan na nakatira sa inyong kalagitnaan. Sapagkat sa araw na ito, ang pari ay gagawa ng pagtubos sa inyo upang linisin kayo sa lahat ng inyong mga kasalanan; kayo ay magiging malinis sa harapan ng PANGINOON. Ito ay Sabbath na taimtim na kapahingahan sa inyo, at magpakasakit kayo;" ito'y isang alituntuning magpakailanman. Ang pari na kanyang hihirangin at itatalaga upang maging pari na kapalit ng kanyang ama, ay siyang gagawa ng pagtubos na suot ang mga banal na kasuotang lino. Kanyang tutubusin ang santuwaryo, at tutubusin niya ang toldang tipanan, at ang dambana; at tutubusin niya ang mga pari at ang buong bayan ng kapulungan. Ito'y magiging alituntuning walang hanggan sa inyo, na tubusin ang mga anak ni Israel minsan sa isang taon dahil sa lahat nilang mga kasalanan." At ginawa ni Moises ang ayon sa iniutos ng PANGINOON. Nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Magsalita ka kay Aaron at sa kanyang mga anak at sa lahat ng mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila: Ito ang iniutos ng PANGINOON: Sinumang tao sa sambahayan ni Israel na pumatay ng baka, o kordero, o kambing sa loob ng kampo, o pumatay sa labas ng kampo, at hindi ito dinala sa pintuan ng toldang tipanan, upang ihandog bilang alay sa PANGINOON, sa harapan ng tabernakulo ng PANGINOON, ang dugo ay ipaparatang sa taong iyon. Siya'y nagbubo ng dugo, at ang taong iyon ay ititiwalag sa kanyang bayan. Ito ay upang ang mga anak ni Israel ay magdala ng kanilang mga alay na kanilang pinapatay sa kaparangan, upang dalhin nila ang mga ito sa PANGINOON, sa pari na nasa pintuan ng toldang tipanan, at ialay ang mga iyon bilang handog pangkapayapaan sa PANGINOON. Iwiwisik ng pari ang dugo sa ibabaw ng dambana ng PANGINOON, sa pintuan ng toldang tipanan at susunugin ang taba na mabangong samyo sa PANGINOON, upang hindi na nila iaalay ang kanilang mga alay sa mga demonyong kambing na sanhi ng kanilang pagtataksil. Ito ay magiging alituntunin magpakailanman sa kanila sa buong panahon ng kanilang salinlahi. "At sasabihin mo sa kanila: Sinumang tao sa sambahayan ni Israel, o sa mga taga-ibang bayan na naninirahang kasama nila na naghandog ng handog na sinusunog o alay, at hindi ito dinala sa pintuan ng toldang tipanan, upang ialay sa PANGINOON, ang taong iyon ay ititiwalag sa kanyang bayan. "Sinumang tao sa sambahayan ni Israel o sa mga taga-ibang bayan na naninirahang kasama nila na kumain ng anumang dugo, ay aking ihaharap ang aking mukha laban sa taong iyon na kumain ng dugo, at ititiwalag siya sa kanyang bayan. Sapagkat ang buhay ng laman ay nasa dugo, at aking ibinigay sa inyo sa ibabaw ng dambana upang ipantubos sa inyong mga kaluluwa, sapagkat ang dugo'y siyang tumutubos dahil sa buhay. Kaya't aking sinabi sa mga anak ni Israel, 'Sinuman sa inyo ay huwag kakain ng dugo, ni ang taga-ibang bayan na naninirahang kasama ninyo ay huwag kakain ng dugo.' At sinumang tao sa mga anak ni Israel, o sa mga taga-ibang bayan na naninirahang kasama ninyo na humuli ng hayop o ng ibon na makakain, ay ibubuhos niya ang dugo niyon at tatabunan ng lupa. "Sapagkat ang buhay ng lahat ng laman ay ang dugo nito. Kaya't sinabi ko sa mga anak ni Israel: Huwag kayong kakain ng dugo ng anumang laman, sapagkat ang buhay ng buong laman ay ang dugo nito, sinumang kumain niyon ay ititiwalag. At sinumang tao, katutubo man o taga-ibang bayan, na kumain ng anumang kusang namatay o nilapa ng hayop ay maglalaba ng kanyang mga damit, at maliligo sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw; pagkatapos ay magiging malinis siya. Subalit kung hindi niya labhan ang mga iyon, ni paliguan ang kanyang katawan, ay tataglayin niya ang kanyang kasalanan." At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Magsalita ka ng ganito sa mga anak ni Israel: Ako ang PANGINOON ninyong Diyos. Huwag ninyong gagawin ang gaya ng ginagawa sa lupain ng Ehipto na inyong tinirahan; at huwag din ninyong gagawin ang gaya ng ginagawa nila sa lupain ng Canaan, na pinagdadalhan ko sa inyo. Huwag kayong lalakad ng ayon sa mga alituntunin nila. Gagawin ninyo ang aking mga tuntunin at tutuparin ninyo ang aking mga batas at lakaran ninyo ang mga iyon: Ako ang PANGINOON ninyong Diyos. Tutuparin nga ninyo ang aking mga alituntunin at mga batas; na kapag tinupad ng isang tao, siya ay mabubuhay. Ako ang PANGINOON. "Huwag lalapit ang sinuman sa inyo sa kaninumang kanyang malapit na kamag-anak upang ilitaw ang kahubaran. Ako ang PANGINOON. Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng iyong ama, na siyang kahubaran ng iyong ina. Siya'y iyong ina; huwag mong ililitaw ang kanyang kahubaran. Ang kahubaran ng asawa ng iyong ama ay huwag mong ililitaw; iyon ay kahubaran ng iyong ama. Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng iyong kapatid na babae, na anak ng iyong ama o anak ng iyong ina, maging ipinanganak sa sariling tahanan o sa ibang bayan; Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng anak na babae ng iyong anak na lalaki, o ng anak na babae ng iyong anak na babae; sapagkat ang kahubaran nila ay kahubaran mo rin. Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng anak na babae ng asawa ng iyong ama, na anak ng iyong ama, siya'y kapatid mo. Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng kapatid na babae ng iyong ama; siya'y malapit na kamag-anak ng iyong ama. Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng kapatid na babae ng iyong ina, sapagkat siya'y malapit na kamag-anak ng iyong ina. Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng kapatid na lalaki ng iyong ama; samakatuwid ay huwag kang sisiping sa asawa niya; siya'y iyong tiya. Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng iyong manugang na babae, siya'y asawa ng iyong anak; ang kahubaran niya ay huwag mong ililitaw. Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng asawa ng iyong kapatid na lalaki; siya ay kahubaran ng iyong kapatid na lalaki. Huwag mong ililitaw ang kahubaran ng isang babae at ng kanyang anak na babae; huwag mong papakisamahan ang anak na babae ng kanyang anak na lalaki o ang anak na babae ng kanyang anak na babae, upang lumitaw ang kanyang kahubaran; sila'y malapit na kamag-anak; ito ay masama. Hindi mo maaaring maging asawa ang iyong hipag, upang maging kaagaw ng kanyang kapatid na babae na iyong ililitaw ang kahubaran niya, habang nabubuhay pa ang kanyang kapatid. "At huwag kang sisiping sa isang babae upang ilitaw ang kahubaran niya habang siya ay nasa karumihan ng pagreregla. Huwag kang sisiping sa asawa ng iyong kapwa, at dungisan ang iyong sarili kasama niya. Huwag kang magbibigay ng iyong anak upang italaga iyon sa apoy kay Molec; ni huwag mong lalapastanganin ang pangalan ng iyong Diyos; ako ang PANGINOON. Huwag kang sisiping sa lalaki na gaya ng pagsiping mo sa babae: ito ay karumaldumal. At huwag kang sisiping sa anumang hayop upang dungisan mo ang iyong sarili kasama nito, ni ang babae ay huwag ibibigay ang sarili upang makasiping ng hayop, ito ay mahalay na pagtatalik. "Huwag ninyong dungisan ang inyong sarili sa alinman sa mga bagay na ito, sapagkat sa lahat ng mga ito ay dinungisan ng mga bansang aking palalayasin sa harapan ninyo ang kanilang mga sarili, at nadungisan ang lupain, kaya't aking dadalawin ang kanyang kasamaan at isinusuka ng lupain ang mga naninirahan doon. Subalit inyong tutuparin ang aking mga tuntunin at ang aking mga batas, at huwag ninyong gagawin ang alinman sa mga karumaldumal na ito, maging ang mga katutubo o ang mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo. Ang mga tao sa lupain na nauna sa inyo ay gumawa ng lahat ng mga karumaldumal na mga ito, at ang lupain ay nadungisan; baka isuka rin kayo ng lupain kapag dinungisan ninyo ito, gaya ng pagsuka nito sa bansang nauna sa inyo. Sapagkat sinumang gumawa ng alinman sa mga karumaldumal na ito, ang mga taong gumagawa ng mga iyon ay ititiwalag sa kanilang bayan. Kaya ingatan ninyo ang aking bilin na huwag gawin ang alinman sa mga karumaldumal na kaugaliang ito na ginawa ng mga nauna sa inyo, at huwag ninyong dungisan ang inyong sarili sa mga ito: Ako ang PANGINOON ninyong Diyos." At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Magsalita ka sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila: Kayo'y magpakabanal, sapagkat akong PANGINOON ninyong Diyos ay banal. Ang bawat isa ay gumalang sa kanyang ina at sa kanyang ama, at inyong ingatan ang aking mga Sabbath; ako ang PANGINOON ninyong Diyos. Huwag kayong babaling sa mga diyus-diyosan, ni huwag kayong gagawa para sa inyong sarili ng mga diyos na inanyuan; ako ang PANGINOON ninyong Diyos. "At kapag kayo'y naghahandog sa PANGINOON ng alay na mga handog pangkapayapaan, inyong ialay ito upang kayo'y tanggapin. Ito ay kakainin sa araw na ito na inialay, o sa kinabukasan. Ang nalabi sa ikatlong araw ay susunugin sa apoy. At kapag ito ay kinain sa ikatlong araw, ito ay karumaldumal; ito'y hindi tatanggapin, at ang sinumang kumain nito ay magpapasan ng kanyang kasamaan, sapagkat nilapastangan niya ang isang banal na bagay ng PANGINOON; at ititiwalag ang gayong tao sa kanyang bayan. "Kapag inyong ginagapas ang anihin sa inyong lupain, huwag ninyong gagapasan ang inyong bukid hanggang sa mga sulok nito, ni huwag ninyong titipunin ang mga nalaglag sa inyong ginapasan. Huwag uubusin ang bunga ng inyong ubasan, ni huwag ninyong titipunin ang mga nalaglag sa inyong ubasan; iiwan ninyo ang mga iyon para sa mga dukha at sa dayuhan: ako ang PANGINOON ninyong Diyos. "Huwag kayong magnanakaw, ni mandaraya, ni magsisinungaling sa isa't isa. At huwag kayong susumpa sa pamamagitan ng aking pangalan sa kasinungalingan; sa gayo'y lalapastanganin ninyo ang pangalan ng inyong Diyos: Ako ang PANGINOON. "Huwag mong gigipitin ang iyong kapwa o pagnakawan siya. Ang sahod ng isang upahang lingkod ay hindi dapat manatili sa iyo sa buong gabi hanggang sa umaga. Huwag mong mumurahin ang bingi, ni maglalagay ng katitisuran sa harap ng bulag, kundi katakutan mo ang iyong Diyos: Ako ang PANGINOON. "Huwag kayong gagawa ng kalikuan sa paghatol; huwag kang magtatangi sa pagkatao ng dukha ni itatangi ang pagkatao ng makapangyarihan, kundi hahatulan mo ang iyong kapwa ayon sa katarungan. Huwag kang magpaparoo't-parito sa iyong bayan bilang tagapagdala ng tsismis, ni huwag kang titindig laban sa dugo ng iyong kapwa: Ako ang PANGINOON. "Huwag mong kapopootan ang iyong kapatid sa iyong puso; tunay na sasawayin mo ang iyong kapwa, upang hindi ka magpasan ng kasalanan dahil sa kanya. Huwag kang maghihiganti o magtatanim ng galit laban sa mga anak ng iyong bayan; kundi iibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng sa iyong sarili: Ako ang PANGINOON. "Tutuparin ninyo ang aking mga tuntunin. Huwag mong palalahian ang iyong mga hayop sa ibang uri; huwag mong hahasikan ang iyong bukid ng magkaibang binhi; ni huwag kang magsusuot ng damit na hinabi mula sa dalawang magkaibang uring hibla. "Kung ang isang lalaki ay sumiping sa isang aliping babae na nakatakdang ipakasal sa isang lalaki, at hindi pa natutubos ang babae, o hindi pa nabibigyan ng kalayaan, ay dapat magkaroon ng pagsisiyasat. Hindi sila papatayin yamang siya'y hindi pa malaya. Ngunit magdadala ang lalaki ng kanyang handog na tupang lalaki para sa PANGINOON sa pintuan ng toldang tipanan para sa budhing maysala. At ipantutubos sa kanya ng pari ang tupang handog para sa budhing maysala sa harapan ng PANGINOON, para sa kasalanang kanyang nagawa; at ipatatawad sa kanya ang kasalanan na kanyang nagawa. "Pagdating ninyo sa lupain at nakapagtanim na kayo ng sari-saring punungkahoy bilang pagkain, ay ituturing ninyo ang bunga niyon na ipinagbabawal; tatlong taon itong ipagbabawal para sa inyo; hindi ito dapat kainin. Subalit sa ikaapat na taon, ang lahat ng bunga niyon ay magiging banal, isang alay na papuri sa PANGINOON. At sa ikalimang taon ay makakakain na kayo ng bunga niyon upang lalong magbunga ang mga ito para sa inyo: Ako ang PANGINOON ninyong Diyos. "Huwag kayong kakain ng anumang kasama ang dugo; ni huwag kayong mang-eengkanto ni manggagaway. Huwag ninyong gugupitin ng pabilog ang mga buhok sa palibot ng inyong ulo, ni sisirain ang mga sulok ng iyong balbas. Huwag ninyong hihiwaan ang inyong laman dahil sa namatay; ni huwag kayong maglalagay ng tatu na tanda sa inyong sarili: Ako ang PANGINOON. "Huwag mong durungisan ang iyong anak na babae, na siya'y iyong gagawing upahang babae, baka ang lupain ay masadlak sa pakikiapid, at mapuno ng kasamaan. Ipapangilin ninyo ang aking mga Sabbath, at igagalang ninyo ang aking santuwaryo: Ako ang PANGINOON. "Huwag kayong sasangguni sa mga nakikiugnay sa masasamang espiritu ni sa mga mangkukulam; huwag ninyo silang hanapin upang madungisan nila: Ako ang PANGINOON ninyong Diyos. "Titindig ka sa harapan ng may gulang at igagalang mo ang matanda, at katakutan mo ang iyong Diyos: Ako ang PANGINOON. "Kapag ang isang dayuhan ay nanirahang kasama ninyo sa inyong lupain, huwag ninyo siyang gagawan ng masama. Ang dayuhang kasama ninyo ay magiging kagaya ng isang katutubong kasama ninyo. Iibigin mo siya na gaya ng sa iyong sarili; sapagkat kayo ay naging mga dayuhan sa lupain ng Ehipto: Ako ang PANGINOON ninyong Diyos. "Huwag kayong mandaraya sa pagsukat ng haba, timbang, o dami. Magkakaroon kayo ng wastong pamantayan, wastong timbangan, wastong efa at wastong hin. Ako ang PANGINOON ninyong Diyos na naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto. Inyong tutuparin ang lahat ng aking mga tuntunin, at ang lahat ng aking kahatulan, at gagawin ninyo ang mga iyon: Ako ang PANGINOON." At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Sasabihin mo sa mga anak ni Israel: Sinumang tao sa mga anak ni Israel, o sa mga dayuhan na naninirahan sa Israel, na nagbibigay ng kanyang anak kay Molec ay tiyak na papatayin; siya'y babatuhin ng mga tao ng lupain hanggang sa mamatay. Ako mismo ay haharap laban sa taong iyon, at ititiwalag ko siya mula sa kanyang bayan, sapagkat ibinigay niya ang kanyang anak kay Molec, kaya't nadungisan ang aking santuwaryo, at nilapastangan ang aking banal na pangalan. At kapag ipinikit ng mga tao sa lupain ang kanilang mga mata sa taong iyon, habang ibinibigay niya ang kanyang anak kay Molec, at hindi siya pinatay, ay ihaharap ko ang aking mukha laban sa taong iyon at sa kanyang sambahayan. Ititiwalag ko siya mula sa kanyang bayan, siya at lahat ng sumusunod sa kanya sa pagpapakasama kay Molec. "Ang taong nakikipag-ugnay sa masasamang espiritu at sa mga mangkukulam, na nagpapakasamang kasama nila, ay ihaharap ko ang aking mukha laban sa taong iyon, at ititiwalag ko siya mula sa kanyang bayan. Italaga ninyo ang inyong mga sarili at kayo'y maging banal; sapagkat ako ang PANGINOON ninyong Diyos. Tutuparin ninyo ang aking mga tuntunin, at isasagawa ang mga iyon, ako ang PANGINOON na nagpapabanal sa inyo. Sinumang lumalait sa kanyang ama o sa kanyang ina ay tiyak na papatayin; kanyang nilait ang kanyang ama o ang kanyang ina, ang kanyang dugo ay nasa kanya. "Kapag ang isang lalaki ay mangalunya sa asawa ng kanyang kapwa, ang lalaking nangalunya at ang babaing nangalunya ay parehong papatayin. Ang lalaking sumiping sa asawa ng kanyang ama ay naglitaw ng kahubaran ng kanyang ama, sila'y tiyak na kapwa papatayin; ang kanilang dugo ay nasa kanila. At kapag ang isang lalaki ay sumiping sa kanyang manugang na babae, sila ay kapwa papatayin; sila'y gumawa ng kahalayan, ang kanilang dugo ay nasa kanila. Kapag ang isang lalaki ay sumiping sa kapwa lalaki, na gaya ng pagsiping sa babae, sila ay kapwa nakagawa ng bagay na karumaldumal, tiyak na sila'y papatayin, ang kanilang dugo ay nasa kanila. Kung ang isang lalaki ay mag-asawa sa isang babae at sa kanyang ina, ito ay kasamaan. Kanilang susunugin siya at sila upang huwag magkaroon ng kasamaan sa inyong kalagitnaan. Kapag ang isang lalaki ay sumiping sa hayop, siya ay tiyak na papatayin, at papatayin din ninyo ang hayop. Kung ang isang babae ay lumapit sa alinmang hayop at nakipagtalik dito, papatayin mo ang babae at ang hayop; sila'y tiyak na papatayin at ang kanilang dugo ay nasa kanila. "Kung kunin ng isang lalaki ang kanyang kapatid na babae, na anak ng kanyang ama o anak ng kanyang ina, at kanyang makita ang kanyang kahubaran, at makita ng babae ang kahubaran niya, ito ay isang bagay na kahiyahiya. Sila'y ititiwalag sa paningin ng mga anak ng kanilang bayan, sapagkat inilitaw niya ang kahubaran ng kanyang kapatid na babae; kanyang pananagutan ang kasamaan niya. Kung ang isang lalaki ay sumiping sa isang babaing may regla, at ilitaw ang kahubaran niya; kanyang hinubaran ang kanyang daloy at kanyang pinalitaw ang daloy ng kanyang dugo; at sila'y kapwa ititiwalag sa kalagitnaan ng kanilang bayan. At huwag mong ililitaw ang kahubaran ng kapatid na babae ng iyong ina, ni ng kapatid na babae ng iyong ama, sapagkat hinubaran niya ang kanyang malapit na kamag-anak; sila ay kapwa mananagot ng kanilang kasamaan. Kung ang isang lalaki ay sumiping sa asawa ng kanyang amain, kanyang inilitaw ang kahubaran ng kanyang amain. Pananagutan nila ang kanilang kasalanan at mamamatay silang walang anak. Kung ang isang lalaki ay makisama sa asawa ng kanyang kapatid na lalaki, ito ay karumihan; kanyang inilitaw ang kahubaran ng kanyang kapatid na lalaki kaya't mabubuhay silang walang anak. "Tuparin ninyo ang lahat ng aking mga tuntunin at mga batas, at gawin ninyo ang mga iyon upang huwag kayong isuka ng lupain na aking pagdadalhan sa inyo na inyong tatahanan. Huwag kayong lalakad ng ayon sa mga kaugalian ng mga bansang aking palalayasin sa harapan ninyo, sapagkat ang lahat ng kasamaang ito ay ginawa nila, at ako ay nasusuklam sa kanila. Subalit sinabi ko na sa inyo, Tiyak na mamanahin ninyo ang lupain nila, at ibibigay ko sa inyo upang inyong manahin, isang lupaing binubukalan ng gatas at pulot.' Ako ang PANGINOON ninyong Diyos na nagbukod sa inyo sa mga bayan. Inyong lalagyan ng pagkakaiba ang hayop na malinis at ang marumi, at ang ibong marumi at ang malinis. Huwag ninyong gagawing karumaldumal ang inyong pagkatao sa hayop o sa ibon, o sa anumang bagay na umuusad sa lupa na inihiwalay ko sa inyo bilang mga marurumi. Kayo'y magpakabanal sa akin, sapagkat akong PANGINOON ay banal, at kayo'y ibinukod ko sa mga bayan, upang kayo'y maging akin. "Ang isang lalaki o ang isang babae na sumasangguni sa masasamang espiritu, o mangkukulam, ay tiyak na papatayin. Sila'y babatuhin hanggang mamatay, ang kanilang dugo ay pasan nila." Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Sabihin mo ang ganito sa mga pari na mga anak ni Aaron: Hindi dapat dungisan ng sinuman ang kanyang sarili nang dahil sa patay na kasama ng kanyang bayan, maliban sa kanyang malapit na kamag-anak: sa kanyang ina, ama, anak na lalaki at babae, kapatid na lalaki, at sa kanyang kapatid na dalaga na malapit sa kanya, sapagkat siya ay walang asawa, ay maaaring madungisan niya ang kanyang sarili dahil sa dalaga. Hindi niya dapat dungisan ang kanyang sarili bilang isang asawang lalaki sa gitna ng kanyang bayan at malapastanganan ang sarili. Huwag silang gagawa ng kalbong bahagi sa kanilang ulo, o gugupitin man ang dulo ng kanilang balbas, o hihiwaan man ang kanilang laman. Sila'y magiging banal sa kanilang Diyos, at huwag nilang lalapastanganin ang pangalan ng kanilang Diyos; sapagkat sila ang nag-aalay ng mga handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy, na tinapay ng kanilang Diyos, kaya't sila'y magiging banal. Huwag silang mag-aasawa ng isang babaing upahan o babaing nadungisan, ni mag-aasawa sa isang babaing hiwalay na sa kanyang asawa, sapagkat ang pari ay banal sa kanyang Diyos. Siya ay iyong ituturing na banal, sapagkat siya ang naghahandog ng tinapay ng inyong Diyos. Siya'y magiging banal sa inyo; sapagkat akong PANGINOON na nagpapabanal sa inyo ay banal. Kapag dinungisan ng anak na babae ng isang pari ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pagpapaupa ay kanyang nilalapastangan ang kanyang ama; siya'y susunugin sa apoy. "Ang pari na pangunahin sa kanilang magkakapatid, na binuhusan ng langis ang ulo at ang kamay, at itinalaga upang magsuot ng kasuotan ng pari, hindi dapat maglugay ng kanyang buhok, ni sirain ang kanyang damit. Huwag siyang lalapit sa anumang bangkay, ni dungisan ang kanyang sarili, maging dahil sa kanyang ama, o dahil sa kanyang ina; ni lalabas siya sa santuwaryo, ni lalapastanganin ang santuwaryo ng kanyang Diyos; sapagkat ang pagtalaga ng langis na pambuhos ng kanyang Diyos ay nasa kanya: Ako ang PANGINOON. Siya'y mag-aasawa sa isang dalagang birhen. Hindi siya mag-aasawa sa isang balo, o sa hiniwalayan, o sa isang babaing nadungisan, o sa isang upahang babae; kundi kukuha siya ng isang dalagang malinis sa kanyang sariling bayan bilang asawa. Upang hindi niya malapastangan ang kanyang mga anak sa gitna ng kanyang mga kamag-anak, sapagkat ako ang PANGINOON na nagpapabanal sa kanya." At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Sabihin mo kay Aaron: Sinuman sa iyong mga anak sa buong panahon ng kanilang salinlahi na may kapintasan ay hindi maaaring lumapit upang maghandog ng tinapay sa kanyang Diyos. Sapagkat sinumang mayroong kapintasan ay huwag lalapit, ang taong bulag, pilay, nasira ang mukha, sobrang mahaba ang paa o kamay; ang taong nabalian ng paa o nabalian ng kamay; kuba, unano, ang taong may kapansanan sa kanyang mata, sakit ng pangangati, galisin, o nadurog ang itlog. Walang tao mula sa binhi ni Aaron na pari na mayroong kapintasan ang lalapit upang mag-alay ng mga handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy yamang siya'y may kapintasan; siya'y huwag lalapit upang mag-alay ng tinapay sa kanyang Diyos. Makakakain siya ng tinapay ng kanyang Diyos, ang kabanal-banalan at ang mga bagay na banal; subalit hindi siya makakalapit sa tabing, o lalapit man sa dambana, sapagkat siya'y may kapintasan upang hindi niya malapastangan ang aking mga santuwaryo; sapagkat ako ang PANGINOON na nagpapabanal sa kanila." Gayon ang sinabi ni Moises kay Aaron at sa kanyang mga anak, at sa lahat ng mga anak ni Israel. At nagsaiita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak na sila'y magsilayo sa mga banal na bagay ng mga anak ni Israel, na kanilang itinalaga sa akin upang huwag nilang lapastanganin ang aking banal na pangalan: Ako ang PANGINOON. Sabihin mo sa kanila, 'Sinuman sa lahat ng inyong binhi sa buong panahon ng inyong salinlahi na lumapit sa mga banal na bagay na itinalaga ng mga anak ni Israel sa PANGINOON na nasa kalagayang marumi, ang taong iyon ay ititiwalag sa aking harapan: Ako ang PANGINOON. Sinuman sa binhi ni Aaron na may ketong o may tulo ay hindi kakain ng mga banal na bagay hanggang siya'y maging malinis. At ang humipo ng alinmang bagay na marumi dahil sa patay, o lalaking nilabasan ng binhi nito, o sinumang humipo ng anumang gumagapang na makakapagparumi sa kanya o humipo sa lalaking makakapagparumi sa kanya, sa pamamagitan ng alinman sa kanyang karumihan, ang tao na humipo sa gayon ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw. Huwag siyang kakain ng mga banal na bagay, kundi paliliguan niya ang kanyang katawan sa tubig. Pagkalubog ng araw, siya ay magiging malinis at pagkatapos ay makakakain na siya ng mga banal na bagay, sapagkat iyon ay kanyang pagkain. Hindi niya kakainin ang anumang kusang namatay o nilapa ng hayop, sapagkat marurumihan niya ang kanyang sarili sa pamamagitan nito: Ako ang PANGINOON.’ Kaya't tutuparin nila ang aking bilin, at hindi nila iyon ipagkakasala, upang sila ay huwag mamatay kapag kanilang nilapastangan ito: Ako ang PANGINOON na nagpapabanal sa kanila. "Ang isang taga-ibang bayan ay huwag kakain ng mga banal na bagay; sinumang manunuluyan sa pari, o aliping upahan niya ay huwag kakain ng banal na bagay. Ngunit kung ang pari ay bumili ng isang tao sa pamamagitan ng kanyang salapi, siya ay makakakain din nito; gayundin ang ipinanganak sa kanyang bahay ay makakakain ng kanyang tinapay. Kung ang isang anak na babae ng pari ay mag-asawa sa isang dayuhan, ang babae ay hindi makakakain ng handog ng mga banal na bagay. Subalit kung ang anak na babae ng pari ay balo o hiwalay sa asawa at walang anak at bumalik sa bahay ng kanyang ama na gaya rin nang kanyang kabataan, siya ay makakakain ng tinapay ng kanyang ama, ngunit ang sinumang dayuhan ay hindi makakakain niyon. At kung ang sinumang lalaki ay magkamaling kumain ng banal na bagay, iyon ay kanyang daragdagan ng ikalimang bahagi at ibibigay iyon sa pari kasama ng banal na bagay. Huwag lalapastanganin ng mga pari ang mga banal na bagay ng mga anak ni Israel, na kanilang inihahandog sa PANGINOON; sapagkat iyon ay magbubunga ng pagpasan nila ng kasamaan at pagkakasala sa pamamagitan ng pagkain ng kanilang mga banal na bagay; sapagkat ako ang PANGINOON na nagpapabanal sa kanila." At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Sabihin mo kay Aaron, sa kanyang mga anak, at sa lahat ng mga anak ni Israel: Sinuman sa sambahayan ni Israel o sa mga dayuhan sa Israel, na maghahandog ng kanyang alay, maging kabayaran sa isang panata o bilang inialay sa PANGINOON bilang handog na sinu-sunog, upang tanggapin, ang inyong ihahandog ay isang lalaki na walang kapintasan, mula sa mga toro, sa mga tupa, o sa mga kambing. Huwag ninyong ihahandog ang anumang may kapintasan, sapagkat ito ay hindi tatanggapin para sa inyo. At kapag ang isang tao ay naghandog sa PANGINOON ng handog pangkapayapaan, sa pagtupad ng isang panata o kaya'y kusang-loob na handog mula sa bakahan o sa kawan, ito ay kailangang sakdal upang matanggap; ito ay kailangang walang kapintasan. Ang bulag, may bali, may kapansanan, may tulo, may pangangati, o may galis, ay huwag ninyong ihahandog sa PANGINOON, ni gagawin ang mga ito bilang handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy sa ibabaw ng dambana. Ang toro o tupa na may bahaging napakahaba o napakaikli ay maaari mong ialay bilang kusang-loob na handog, subalit hindi matatanggap para sa isang panata. Anumang hayop na nasira ang kasarian, nadurog, o naputol ay huwag ninyong ihahandog sa PANGINOON, o iaalay sa loob ng inyong lupain. Huwag ninyong ihahandog bilang pagkain ng inyong Diyos ang anumang gayong hayop na nakuha mula sa isang dayuhan, yamang ang mga ito ay may kapintasan dahil sa kanilang kapansanan; hindi iyon tatanggapin para sa inyo." At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Kapag ipinanganak ang isang baka, tupa, o kambing, ito ay mananatili sa kanyang ina sa loob ng pitong araw; at mula sa ikawalong araw hanggang sa haharapin ito ay tatanggapin bilang alay, handog na pinaraan sa apoy para sa PANGINOON; subalit huwag ninyong papatayin sa gayon ding araw ang baka, o tupa at ang kanyang anak. Kapag kayo'y maghahandog ng handog na pasasalamat sa PANGINOON, iaalay ninyo ito upang kayo ay tanggapin; at ito ay kakainin sa araw ding iyon, huwag kayong magtitira ng anuman hanggang sa umaga: Ako ang PANGINOON. "Kaya't inyong iingatan ang aking mga utos, at inyong tuparin ang mga iyon: Ako ang PANGINOON. Huwag ninyong lalapastanganin ang aking banal na pangalan; kundi ako'y pakakabanalin sa bayan ng Israel; ako ang PANGINOON na nagpapabanal sa inyo, na naglabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto, upang ako'y maging inyong Diyos: Ako ang PANGINOON.” At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Magsalita ka sa mga anak ni Israel at sabihin mo sa kanila: Ito ang mga takdang kapistahan sa PANGINOON na inyong ipahahayag bilang mga banal na pagpupulong. Anim na araw na gagawin ang mga gawain, subalit ang ikapitong araw ay Sabbath na ganap na kapahingahan, isang banal na pagpupulong. Huwag kayong gagawa ng anumang gawain; ito ay Sabbath sa PANGINOON sa lahat ng inyong mga paninirahan. "Ito ang mga takdang kapistahan sa PANGINOON, mga banal na pagpupulong na inyong ipagdiriwang sa takdang panahon. "Sa ikalabing-apat na araw ng unang buwan, sa paglubog ng araw, ay ang Paskuwa ng PANGINOON. Ang ikalabinlimang araw ng buwang ito ay Kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa sa PANGINOON. Kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa sa loob ng pitong araw. Sa unang araw ay magkakaroon kayo ng banal na pagpupulong; huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain. Kayo ay maghahandog sa PANGINOON sa loob ng pitong araw ng handog na pinaraan sa apoy; at ang ikapitong araw ay magiging banal na pagpupulong. Huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain." At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Magsalita ka sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila: Kapag kayo'y dumating sa lupain na aking ibinibigay sa inyo, at inyong nagapas na ang ani niyon, ay dalhin ninyo sa pari ang unang bunga ng inyong inani. Iwawagayway niya ang bigkis sa harapan ng PANGINOON upang kayo'y tanggapin; sa kinabukasan pagkatapos ng Sabbath, ito ay iwawagayway ng pari. At ikaw ay maghahandog ng isang taong gulang na kordero na walang kapintasan, sa araw na iyong iwagayway ang bigkis bilang handog na sinusunog sa PANGINOON. Ang handog na butil ay magiging dalawang ikasampung bahagi ng isang efa ng pinong harina na hinaluan ng langis, isang handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy na may mabangong samyo. Ang handog na inumin na kasama nito ay alak na ikaapat na bahagi ng isang hin. Huwag kayong kakain ng tinapay at trigong sinangag, ni uhay na bago, hanggang sa araw na ito, hanggang sa inyong madala ang handog sa inyong Diyos. Ito ay tuntunin magpakailanman sa buong panahon ng inyong salinlahi, sa lahat ng inyong mgatirahan. "Mula sa kinabukasan, pagkalipas ng Sabbath mula sa araw na inyong dalhin ang bigkis na handog na iwinawagayway, ay bibilang kayo ng pitong buong linggo. Hanggang sa kinabukasan pagkalipas ng ikapitong Sabbath, bibilang kayong limampung araw; pagkatapos ay mag-aalay kayo ng handog na bagong butil sa PANGINOON. Mula sa inyong mga tahanan ay magdadala kayo ng dalawang tinapay upang iwagayway, na ang bawat isa ay dalawang ikasampung bahagi ng isang efa na mula sa piling harina, at lulutuin na may pampaalsa bilang unang bunga sa PANGINOON. Bukod sa tinapay, maghahandog kayo ng pitong kordero na isang taong gulang na walang kapintasan, at ng isang guyang toro at ng dalawang tupang lalaki. Ang mga ito ay magiging handog na sinusunog sa PANGINOON, kasama ng kanilang butil na handog, at ng kanilang mga handog na inumin, isang handog na pinaraan sa apoy na mabangong samyo sa PANGINOON. Maghahandog din kayong isang kambing na lalaki bilang handog pangkasalanan, at ng dalawang korderong lalaki na isang taong gulang bilang alay na mga handog pangkapayapaan. Ang mga iyon ay iwawagayway ng pari kasama ng tinapay ng mga unang bunga, bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng PANGINOON, kasama ng dalawang kordero; ang mga iyon ay magiging banal sa PANGINOON para sa pari. Ikaw ay magpapahayag sa araw ding iyon; ito ay banal na pagtitipon sa inyo; huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain. Ito ay walang hanggang tuntunin sa lahat ng inyong mga tahanan sa buong panahon ng inyong salinlahi. "Kapag inyong ginapas ang ani sa inyong lupain, ay huwag ninyong gagapasan hanggang sa mga sulok ng inyong bukid; huwag ninyong titipunin ang mga nalaglag sa inyong pag-aani. Iiwan ninyo ang mga iyon para sa dukha at sa dayuhan: Ako ang PANGINOON ninyong Diyos." At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Magsalita ka sa mga anak ni Israel: Sa unang araw ng ikapitong buwan, ay magkakaroon kayo ng unang araw ng ganap na kapahingahan, isang banal na pagpupulong na ipinagdiriwang sa pamamagitan ng tunog ng mga trumpeta. Kayo'y huwag gagawa ng anumang mabigat na gawain at kayo'y mag-aalay ng handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy." At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Gayundin, ang ikasampung araw ng ikapitong buwan ay araw ng pagtubos. Magkakaroon kayo ng banal na pagpupulong, magpakumbaba kayo, at mag-alay kayo ng handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy. Huwag kayong gagawa ng anumang gawa sa araw ding ito, sapagkat ito ay araw ng pagtubos, upang gumawa ng pagtubos para sa inyo sa harapan ng PANGINOON ninyong Diyos. Sapagkat sinumang tao na hindi magpakumbabay sa araw ding ito ay ititiwalag sa kanyang bayan. At sinumang tao na gumawa ng anumang gawa sa araw ding ito ay pupuksain ko sa kalagitnaan ng kanyang bayan. Kayo'y huwag gagawa ng anumang gawa; ito ay isang walang hanggang tuntunin sa buong panahon ng inyong salinlahi sa lahat ng inyong tirahan. Ito ay magiging ganap na kapahingahan sa inyo, at kayo'y magpapakumbaba; sa ikasiyam na araw ng buwan sa hapon, mula sa paglubog ng araw hanggang sa paglubog ng araw ay ipapangilin ninyo ang inyong Sabbath." At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Iyong sabihin ang ganito sa mga anak ni Israel: Sa ikalabinlimang araw ng ikapitong buwang ito ay pitong araw na Kapistahan ng mga Kubol sa PANGINOON. Ang unang araw ay isang banal na pagpupulong; kayo'y huwag gagawa ng anumang mabigat na gawain. Pitong araw na maghahandog kayo sa PANGINOON ng handog na pinaraan sa apoy. Sa ikawalong araw ay magkakaroon kayo ng banal na pagpupulong; at kayo'y maghahandog sa PANGINOON ng handog na pinaraan sa apoy. Ito ay isang taimtim na pagtitipon; huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain. "Ito ang mga takdang kapistahan sa PANGINOON na inyong ipahahayag bilang mga banal na pagpupulong, upang maghandog sa PANGINOON ng handog na pinaraan sa apoy, ng handog na sinusunog, ng butil na handog, at ng mga inuming handog, na bawat isa ay sa nararapat na araw; bukod sa mga Sabbath sa PANGINOON, at bukod sa inyong mga kaloob, bukod sa lahat ng inyong panata, bukod sa lahat ng inyong mga kusang-loob na handog na inyong ibibigay sa PANGINOON. "Gayundin, sa ikalabinlimang araw ng ikapitong buwan, kapag inyong tinipon ang bunga ng lupain, ipagdiriwang ninyo ang mga kapistahan ng PANGINOON sa loob ng pitong araw; ang una at ikawalong araw ay Sabbath. Sa unang araw ay magdadala kayo ng bunga ng magagandang punungkahoy, ng mga sanga ng mga palma, mga sanga ng mayayabong na punungkahoy, at ng maliliit na halaman sa batis; at kayo'y magdiriwang sa harapan ng PANGINOON ninyong Diyos sa loob ng pitong araw. Inyong tutuparin ito bilang isang kapistahan sa PANGINOON sa loob ng pitong araw sa bawat taon. Ito ay isang tuntunin magpakailanman sa buong panahon ng inyong salinlahi; sa ikapitong buwan ay ipagdiriwang ninyo ang kapistahang ito. Kayo'y maninirahan sa mga kubol sa loob ng pitong araw; ang lahat ng katutubo sa Israel ay maninirahan sa mga kubol, upang malaman ng inyong salinlahi na pinatira ko sa mga kubol ang mga anak ni Israel nang sila'y aking ilabas sa lupain ng Ehipto: Ako ang PANGINOON ninyong Diyos." Gayon ipinahayag ni Moises ang mga takdang kapistahan ng PANGINOON sa bayan ng Israel. At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Iutos mo sa mga anak ni Israel na dalhan ka nila ng dalisay na langis ng olibo na hinalo para sa ilawan, upang patuloy na magningas ang ilawan. Sa labas ng tabing ng patotoo, sa toldang tipanan, ito ay laging aayusin ni Aaron, mula hapon hanggang sa umaga sa harapan ng PANGINOON. Ito'y isang tuntunin magpakailanman sa buong panahon ng inyong salinlahi. Aayusin niyang palagi ang mga ilaw sa ibabaw ng ilawan na yari sa lantay na ginto sa harapan ng PANGINOON. "Kukuha ka ng piling harina, at sa pamamagitan nito ay magluluto ka ng labindalawang tinapay; dalawang ikasampung bahagi ng efa ang sa bawat tinapay. Ilalagay mo ang mga iyon sa dalawang hanay, anim sa bawat hanay, sa ibabaw ng hapag na dalisay na ginto. Maglalagay ka sa bawat hanay ng dalisay na kamanyang, upang maging handog na tanda para sa tinapay bilang handog na pinaraan sa apoy para sa PANGINOON. Sa bawat Sabbath ay palaging aayusin ito ni Aaron sa harapan ng PANGINOON para sa mga anak ni Israel, bilang isang tungkuling walang hanggan. Ito ay magiging kay Aaron at sa kanyang mga anak, at ito ay kanilang kakainin sa dakong banal, sapagkat ito ay kabanal-banalang bahagi para sa kanya mula sa mga handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy, isang walang hanggang bahagi." Noon, ang anak na lalaki ng isang babaing Israelita na ang ama'y Ehipcio ay pumunta sa mga anak ni Israel. Nag-away sa kampo ang anak ng babaing Israelita at ang isang Israelita. At nilapastangan ng anak ng babaing Israelita ang Pangalan, sa isang pagsumpa. Siya'y kanilang dinala kay Moises, at ang pangalan ng kanyang ina ay Shelomit, na anak ni Debri sa lipi ni Dan. Kanilang inilagay siya sa bilangguan hanggang sa ang hatol ay ipahayag sa kanila ng PANGINOON. At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Dalhin mo ang manlalait sa labas ng kampo; at ang lahat ng nakarinig sa kanya ay magpatong ng kanilang mga kamay sa kanyang ulo, at hayaang batuhin siya ng buong kapulungan. At sasabihin mo sa mga anak ni Israel, "Sinumang lumait sa kanyang Diyos ay mananagot sa kanyang kasalanan. Ang lumapastangan sa pangalan ng PANGINOON ay tiyak na papatayin; at babatuhin siya ng buong kapulungan; maging dayuhan o katutubo sa lupain ay papatayin kapag nilapastangan ang Pangalan. Sinumang pumatay ng tao ay papatayin, at ang pumatay ng hayop ay magpapalit nito; buhay sa buhay. Kapag pininsala ng sinuman ang kanyang kapwa, gaya ng kanyang ginawa ay gayundin ang gagawin sa kanya, bali sa bali', mata sa mata, ngipin sa ngipin; ayon sa kanyang pagkapinsala sa tao, siya ay pipinsalain. Ang pumatay ng isang hayop ay magpapalit nito at ang pumatay ng isang tao, ay papatayin. Magkakaroon kayo ng isa lamang batas para sa dayuhan at para sa katutubo; sapagkat ako ang PANGINOON ninyong Diyos." Nagsalita ng gayon si Moises sa mga anak ni Israel, at kanilang dinala ang taong nanlait sa labas ng kampo, at siya'y pinagbabato. At ginawa ng mga anak ni Israel ang ayon sa iniutos ng PANGINOON kay Moises. At nagsalita ang PANGINOON kay Moises sa bundok ng Sinai, na sinasabi, "Magsalita ka sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila: Pagdating ninyo sa lupaing ibinibigay ko sa inyo, ang lupain ay mangingilin ng isang Sabbath sa PANGINOON. Anim na taong hahasikan mo ang iyong bukid, at anim na taong pupungusan mo ang iyong ubasan, at titipunin mo ang kanyang bunga. Subalit ang ikapitong taon ay magiging ganap na kapahingahan sa lupain, isang Sabbath sa PANGINOON; huwag mong hahasikan ang iyong bukid, ni pupungusan ang iyong ubasan. Huwag mong aanihin ang kusang tumubo sa iyong inanihan, at huwag mong titipunin ang mga ubas ng iyong ubasan na hindi mo inalagaan; iyon ay magiging taon ng ganap na kapahingahan sa lupain. At ang bunga sa Sabbath ng lupain ay magiging pagkain mo, at ng iyong aliping lalaki at aliping babae, ng iyong upahang lingkod, ng mga dayuhang naninirahang kasama mo; ng iyong hayupan at ng mababangis na hayop na nasa iyong lupain. Lahat ng bunga niyon ay magiging inyong pagkain. "Bibilang ka ng pitong Sabbath ng taon, makapitong pitong taon; at lahat ng mga araw ng pitong Sabbath ng mga taon ay magiging apatnapu't siyam na taon sa inyo. At iyong patutunugin nang malakas ang trumpeta sa ikasampung araw ng ikapitong buwan; sa araw ng pagtubos ay patutunugin mo ang tambuli sa inyong buong lupain. Ipangingilin ninyo ang ikalimampung taon, at ipahahayag ninyo ang kalayaan sa buong lupain sa lahat ng mga mamamayan; at ito'y magiging jubileo sa inyo; at ang bawat isa sa inyo ay babalik sa kanyang sariling ari-arian, at ang bawat isa sa inyo ay babalik sa kanyang sariling sambahayan. Ang ikalimampung taon ay taon ng pagdiriwang para sa inyo, huwag kayong maghahasik ni aanihin ang tumubo sa kanyang sarili, ni titipunin ang mula sa ubasang hindi inalagaan; sapagkat ito ay kapistahan ng pagdiriwang; ito ay banal sa inyo. Kakainin ninyo ang bunga niyan sa bukid. "Sa taong ito ng pagdiriwang, ang bawat isa sa inyo ay babalik sa kanyang ari-arian. Kung ikaw ay magbili ng anuman sa iyong kapwa o bumili ng anuman sa kamay ng iyong kapwa, ang bawat isa sa inyo ay huwag manlamang sa kanyang kapatid. Ayon sa bilang ng mga taon pagkaraan ng pagdiriwang, ay bibili ka sa iyong kapwa, ayon sa bilang ng taon ng mga pananim, ay magbibili siya sa iyo. Ayon sa dami ng mga taon ay daragdagan mo ang halaga niyan, at ayon sa kakauntian ng mga taon ay babawasan mo ang halaga niyan; sapagkat ipinagbibili niya sa iyo ang bilang ng mga pananim. Huwag aapihin ng sinuman ang kanyang kapwa, kundi matatakot kayo sa inyong Diyos, sapagkat ako ang PANGINOON ninyong Diyos. "Kaya't inyong tutuparin ang aking mga batas, at inyong iingatan ang aking mga tuntunin at inyong isasagawa ang mga iyon; at maninirahan kayong tiwasay sa lupain. Ang lupain ay magbubunga, at kakain kayo hanggang sa mabusog at maninirahan kayong tiwasay doon. At kapag sinabi ninyo, 'Anong aming kakainin sa ikapitong taon kung hindi kami maghahasik ni magtitipon ng aming mga bunga?' Aking iuutos ang aking pagpapala sa inyo sa ikaanim na taon, at magkakaroon ng bunga para sa tatlong taon. "Kapag naghasik kayo sa ikawalong taon, kakainin ninyo ang mula sa dating inani hanggang sa ikasiyam na taon, hanggang sa pagdating ng kanyang bunga ay kakainin ninyo ang dating inani. Ang lupain ay hindi maipagbibili magpakailanman, sapagkat akin ang lupain. Kayo'y mga dayuhan at nakikipamayang kasama ko. Kayo ay magkakaloob ng pantubos sa lupain sa buong lupain na inyong pag-aari. "Kung ang iyong kapatid ay naghirap, at ipinagbili ang bahagi ng kanyang mga pag-aari, ang kanyang pinakamalapit na kamag-anak ay darating at tutubusin ang ipinagbili ng kanyang kapatid. Subalit kung ang isang tao ay walang manunubos, at siya'y masagana at nagkaroon ng kakayahang tubusin ito, kanyang bibilangin ang mga taon simula nang ito'y ipagbili, at isasauli ang labis sa taong kanyang pinagbilhan; at babalik siya sa kanyang pag-aari. Ngunit kung siya'y walang sapat upang maibalik sa kanya, kung gayon ang ipinagbili niya ay mapapasa kamay ng bumili nito hanggang sa taon ng pagdiriwang; at sa pagdiriwang, ito ay bibitiwan at siya ay babalik sa kanyang pag-aari. "At kapag ang isang tao ay nagbili ng kanyang tirahang bahay sa isang napapaderang lunsod, maaari niya itong tubusin sa loob ng isang taon pagkatapos na ito'y maipagbili sapagkat sa buong taon ay magkakaroon siya ng karapatang tumubos. Kung hindi matubos hanggang sa ang isang buong taon ay matapos, kung gayon ang bahay na nasa napapaderang lunsod ay mananatili magpakailanman sa bumili, sa buong panahon ng kanyang lahi; hindi ito mababawi sa panahon ng pagdiriwang. Ngunit ang mga bahay sa mga nayon na walang pader sa palibot ay ibibilang na mga bukirin sa lupain. Ito ay matutubos at ito ay mababawi sa panahon ng pagdiriwang. Tungkol naman sa lunsod ng mga Levita, sa mga bahay sa mga lunsod na kanilang pag-aari, ang mga Levita ay makakatubos sa anumang panahon. Ang gayong ari-arian na maaaring tubusin mula sa mga Levita, mga bahay na ipinagbili na nasa kanilang pag-aari, ay bibitiwan sa panahon ng pagdiriwang, sapagkat ang mga bahay sa mga lunsod ng mga Levita ay kanilang pag-aari sa gitna ng mga anak ni Israel. At ang bukid, ang mga bukas na lupain sa kanilang mga lunsod, ay hindi maipagbibili sapagkat ito ay isang walang hanggang pag-aari. "Kung naghirap ang iyong kapatid at hindi kayang buhayin ang sarili, ay iyo siyang aalalayan. Mamumuhay siyang kasama mo bilang isang dayuhan at nakikipanuluyan. Huwag kang kukuha sa kanya ng patubo o pakinabang, kundi matakot ka sa iyong Diyos; hayaan mo siyang mabuhay na kasama mo. Huwag kang magbibigay sa kanya ng salapi na may patubo, at huwag mong ibibigay ang iyong pagkain na may pakinabang. Ako ang PANGINOON ninyong Diyos, na naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto, upang ibigay sa inyo ang lupain ng Canaan at maging inyong Diyos. "At kung ang iyong kapatid na kasama mo ay naghirap at ipinagbili sa iyo, huwag mong iaatang sa kanya ang paglilingkod ng isang alipin. Siya'y makakasama mo bilang isang upahang lingkod at bilang isang nakikipanirahan; siya'y maglilingkod sa iyo hanggang sa taon ng pagdiriwang. Pagkatapos ay aalis siya sa iyo, siya at ang kanyang mga anak, at babalik siya sa kanyang sariling sambahayan, at babalik sa pag-aari ng kanyang mga magulang. Sapagkat sila'y aking mga lingkod na inilabas ko mula sa lupain ng Ehipto; sila'y hindi maipagbibili bilang mga alipin. Huwag kang mamumuno sa kanya na may kabagsikan, at ikaw ay matakot sa iyong Diyos. Tungkol sa iyong mga aliping lalaki at aliping babae na maaaring mayroon ka mula sa mga bansang nasa palibot ninyo, sila'y bibilhin ninyo bilang mga aliping lalaki at aliping babae. Maaari din kayong bumili mula sa mga anak ng mga dayuhan na nakikipanirahan sa inyo, at sa kanilang mga sambahayan na kasama ninyo, na kanilang ipinanganak sa inyong lupain, at sila'y magiging inyong pag-aari. At sila'y inyong kukunin bilang pamana sa inyong mga anak pagkamatay ninyo upang maging pag-aari; maiaatang ninyo sa kanila ang paglilingkod magpakailanman. Ngunit sa inyong mga kamag-anak na mga anak ni Israel ay huwag kayong mamumuno na may kabagsikan. "Kung ang dayuhan o ang nakikipanirahang kasama mo ay yumaman, at ang iyong kamag-anak ay naghirap, at ipinagbili ang sarili sa dayuhan o sa nakikipanirahan sa iyo o sa sinumang kasambahay na dayuhan; pagkatapos na siya'y maipagbili ay maaari siyang tubusin. Isa sa kanyang mga kapatid ang makakatubos sa kanya, o ang kanyang amain o ang anak ng kanyang amain ay makakatubos sa kanya; o sinumang malapit na kamag-anak sa kanyang sambahayan ay makakatubos sa kanya. Kung magkaroon siyang kakayahan ay matutubos niya ang kanyang sarili. At kanyang bibilangang kasama ng bumili sa kanya ang mga taon, mula sa taong bilhin siya hanggang sa taon ng pagdiriwang. Ang halaga ng pagkabili sa kanya ay magiging ayon sa bilang ng mga taon, ayon sa panahon ng isang upahan ay gayon ang sa kanya. Kung maraming taon pa ang kulang niya, ayon sa dami ng mga iyan, ay isasauli niya ang halaga ng pagkatubos sa kanya sa salaping sa kanya'y ibinili. At kung kakaunti na lamang ang mga taong nalalabi hanggang sa taon ng pagdiriwang, bibilangin niya ang mga taong nalalabi at isasauli niya ang halaga ng kanyang pagkatubos. Kung paano ang upahan sa taun-taon ay gayon siya maninirahan sa kanya; siya'y huwag maghahari sa kanya na may kabagsikan sa iyong paningin. Kung hindi siya tubusin sa mga ganitong paraan, siya ay aalis sa taon ng pagdiriwang, siya at ang kanyang mga anak. Sapagkat ang mga anak ni Israel ay mga lingkod ko. Sila'y aking mga lingkod na inilabas ko sa lupain ng Ehipto: Ako ang PANGINOON ninyongDiyos. "Huwag kayong gagawa para sa inyo ng mga diyus-diyosan, ni magtatayo kayo ng larawang inanyuan o haliging pinakaalaala, ni huwag kayong maglalagay ng batong inanyuan sa inyong lupain, upang inyong yukuran iyon, sapagkat ako ang PANGINOON ninyong Diyos. Inyong iingatan ang aking mga Sabbath, at inyong igagalang ang aking santuwaryo: Ako ang PANGINOON! "Kung susundin ninyo ang aking mga tuntunin at tutuparin ninyo ang aking mga utos, at gagawin ang mga iyon, ay bibigyan ko kayo ng ulan sa kanilang kapanahunan, at ang lupain ay magbibigay ng kanyang ani, at ang mga kahoy sa parang ay magbubunga. Ang inyong paggiik ay aabot hanggang sa pag-aani ng mga ubas, at ang pag-aani ng ubas ay aabot sa panahon ng paghahasik; at kakainin ninyo ang inyong pagkain hanggang magkaroon kayo ng sapat at mabubuhay kayong tiwasay sa inyong lupain. Magbibigay ako ng kapayapaan sa lupain, at mahihiga kayo, at wala kayong katatakutan. Aking aalisin sa lupain ang mababangis na hayop, at hindi daraanan ng tabak ang inyong lupain. Hahabulin ninyo ang inyong mga kaaway, at sila'y mabubuwal sa harapan ninyo sa pamamagitan ng tabak. At lima sa inyo'y hahabol sa isandaan, at isandaan sa inyo'y hahabol sa sampung libo; at ang inyong mga kaaway ay mabubuwal sa harapan ninyo sa pamamagitan ng tabak. At lilingapin ko kayo, at gagawin ko kayong mabunga. Pararamihin ko kayo at papagtibayin ko ang aking tipan sa inyo. Kakainin ninyo ang matagal nang inilaan, at inyong ilalabas ang luma dahil sa bago. At ilalagay ko ang aking tabernakulo sa gitna ninyo, at ang aking sarili ay hindi mapopoot sa inyo; at ako'y laging lalakad sa gitna ninyo. Ako'y magiging inyong Diyos, at kayo'y magiging aking bayan. Ako ang PANGINOON ninyong Diyos, na naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto upang hindi na kayo maging alipin nila; at aking sinira ang mga kahoy ng inyong pamatok at pinalakad ko kayo ng matuwid. "Ngunit kung hindi kayo makikinig sa akin, at hindi tutuparin ang lahat ng mga utos na ito, at kung inyong tatanggihan ang aking mga batas, at kasusuklaman ang aking mga hatol, at hindi ninyo tutuparin ang lahat ng aking mga utos, kundi inyong sisirain ang aking tipan; ay gagawin ko naman ito sa inyo: Ilalagay ko sa gitna ninyo ang sindak, ang nag-aapoy na lagnat na sisira sa mga mata at unti-unting kikitil ng buhay. At maghahasik kayo ng inyong binhi na walang kabuluhan, sapagkat kakainin iyon ng inyong mga kaaway. Itututok ko ang aking mukha laban sa inyo, at kayo'y masasaktan sa harapan ng inyong mga kaaway. Ang mga napopoot sa inyo ay maghahari sa inyo, at kayo'y tatakas nang walang humahabol sa inyo. Kung pagkatapos ng mga bagay na ito ay hindi kayo makikinig sa akin, kayo ay parurusahan ko ng higit pa sa pitong ulit dahil sa inyong mga kasalanan; at sisirain ko ang kahambugan ng inyong lakas; at gagawin kong parang bakal ang inyong langit at parang tanso ang inyong lupa; at gugugulin ninyo ang inyong lakas nang walang kabuluhan; sapagkat hindi ibibigay sa inyo ng inyong lupain ang kanyang bunga ni ng kahoy sa parang ang kanyang bunga. "At kung kayo'y lalakad na salungat sa akin, at ayaw makinig sa akin, magdadala ako sa inyo nang higit pa sa pitong ulit na dami ng salot ayon sa inyong mga kasalanan. Susuguin ko sa inyo ang maiilap na hayop sa parang, at aagawan kayo nito ng inyong mga anak. At papatayin ko ang inyong mga hayop, at gagawin kayong iilan, at ang inyong mga lansangan ay mawawalan ng mga tao. "At kung kayo'y hindi ko maturuan sa pamamagitan ng mga bagay na ito, kundi lumakad nang laban sa akin, ako ay lalakad din nang laban sa inyo, at sasaktan ko kayo nang higit pa sa pitong ulit dahil sa inyong mga kasalanan. Magdadala ako ng tabak sa inyo upang ipaghiganti ang tipan; at kayo'y matitipon sa loob ng inyong mga lunsod, at magpapadala ako ng salot sa gitna ninyo, at kayo'y babagsak sa kamay ng kaaway. Kapag sinira ko ang tungkod ninyong tinapay, sampung babae ang magluluto ng inyong tinapay sa isa lamang hurno, at ipamamahagi sa inyo ang inyong tinapay sa pamamagitan ng timbangan. Kayo'y kakain ngunit hindi kayo mabubusog. "Kung sa kabila nito ay hindi ninyo ako susundin, kundi kayo'y sasalungat sa akin; ako man ay sasalungat sa inyo na may kabagsikan; at parurusahan ko rin kayo nang pitong ulit dahil sa inyong mga kasalanan. At kakainin ninyo ang laman ng inyong mga anak na lalaki, at kakainin ninyo ang laman ng inyong mga anak na babae. Sisirain ko ang inyong matataas na dako, at aking wawasakin ang inyong mga dambana. Itatapon ko ang inyong mga bangkay sa mga bangkay ng inyong mga diyus-diyosan; at kapopootan kayo ng aking kaluluwa. At gigibain ko ang inyong mga lunsod at ang inyong mga santuwaryo, at hindi ko aamuyin ang inyong mababangong samyo. Gagawin kong ilang ang lupain, at ang inyong mga kaaway na nakatira roon ay magtataka. Kayo'y aking ikakalat sa mga bansa, at pagbubunutan ko kayo ng tabak sa hulihan ninyo, at ang inyong lupain ay magiging isang ilang, at ang inyong mga lunsod ay basurahan. "Kaya't tatamasahin ng lupain ang kanyang mga Sabbath hangga't ito'y nananatiling wasak, habang kayo ay nasa lupain ng inyong mga kaaway. Ang lupain ay magtatamasa ng kapahingahan at magagalak sa kanyang mga Sabbath. Ito ay magpapahinga sa lahat ng mga araw ng pagkasira na hindi nito ipinagpahinga sa inyong mga Sabbath nang kayo'y naninirahan doon. At tungkol sa mga malalabi sa inyo, dadalhan ko sila ng takot sa kanilang mga puso sa mga lupain ng kanilang mga kaaway. Hahabulin sila ng tunog ng isang dahong nalalaglag, at sila'y tatakas na parang tumatakas sa tabak. Sila'y mabubuwal bagaman walang humahabol sa kanila. Magkakatisuran sila sa isa't isa na parang nasa harapan ng tabak, kahit walang humahabol; at hindi kayo magkakaroon ng kapangyarihan sa harapan ng inyong mga kaaway. At mamamatay kayo sa gitna ng mga bansa, at lalamunin kayo ng lupain ng inyong mga kaaway. Ang mga nalalabi sa inyo ay mabubulok sa lupain ng inyong mga kaaway dahil sa kanilang kasamaan; at dahil sa mga kasamaan ng kanilang mga ninuno ay mabubulok din sila. "Subalit kung ipahahayag nila ang kanilang kasamaan at ang kasamaan ng kanilang mga ninuno, sapagkat sila'y nagtaksil laban sa akin, at sapagkat sila'y lumakad ng laban sa akin, kaya't ako'y naging laban sa kanila, at sila'y aking dinala sa lupain ng kanilang mga kaaway; subalit kung magpapakumbaba ang kanilang mga pusong hindi tuli, at magbayad sa kanilang kasamaan; ay aalalahanin ko ang aking tipan kay Jacob, at akin ding aalalahanin ang aking tipan kay Isaac, at aalalahanin ko rin ang aking tipan kay Abraham, at aking aalalahanin ang lupain. Ngunit ang lupain ay pababayaan nila, at tatamasahin ang kanyang mga Sabbath sa pagiging sira nang sila ay wala; samantalang sila'y magbabayad dahil sa kanilang kasamaan, sapagkat itinakuwil nila ang aking mga tuntunin, at kinapootan nila ang aking mga batas. Subalit sa kabila ng lahat ng iyon, kapag sila'y nasa lupain ng kanilang mga kaaway ay hindi ko sila itatakuwil, ni kapopootan ko sila upang sila'y lipulin, upang sirain ang aking tipan sa kanila; sapagkat ako ang PANGINOON nilang Diyos; kundi aalalahanin ko alang-alang sa kanila ang tipan sa mga ninuno, na aking inilabas sa lupain ng Ehipto, sa paningin ng mga bansa, upang ako'y maging kanilang Diyos: Ako ang PANGINOON." Ito ang mga batas at ang mga hatol at ang mga tuntuning ibinigay ng PANGINOON sa kanyang sarili at sa mga anak ni Israel sa bundok ng Sinai sa pamamagitan ni Moises. At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Magsalita ka sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila: Kapag ang isang tao ay gumawa ng isang maliwanag na panata sa PANGINOON tungkol sa katumbas ng isang tao, ang katumbas para sa isang lalaki ay: mula sa dalawampung taong gulang hanggang sa may animnapu ay limampung siklong pilak, na ihahalaga ayon sa siklo ng santuwaryo. Kapag babae, ang katumbas ay tatlumpung siklo. Kung may gulang na mula sa limang taon hanggang sa may dalawampung taon, ang itutumbas mo ay dalawampung siklo ang sa lalaki at ang sa babae ay sampung siklo. Kung may gulang na mula sa isang buwan hanggang sa limang taon, tutumbasan mo ng limang siklong pilak para sa lalaki at sa babae ay tatlong siklong pilak. Kung may gulang na animnapung taon pataas ay labinlimang siklo ang iyong itutumbas para sa lalaki at sa babae ay sampung siklo. Ngunit kung siya ay mas dukha kaysa inyong itinakdang katumbas, siya ay patatayuin sa harapan ng pari, at tutumbasan siya ng pari; siya ay tutumbasan ng pari ayon sa kakayahan niya na may panata. "At kung tungkol sa hayop na ihahandog na alay sa PANGINOON, lahat ng ibibigay sa PANGINOON ay banal. Huwag niyang babaguhin o papalitan ang mabuti ng masama o ang masama ng mabuti; at kung sa anumang paraan ay palitan ng iba ang isang hayop, kapwa magiging banal ang kapalit at ang pinalitan. At kung iyon ay alinmang hayop na marumi na hindi maihahandog na alay sa PANGINOON, dadalhin niya ang hayop sa harapan ng pari; at ito ay hahalagahan ng pari kung ito ay mabuti o masama; ayon sa paghahalaga ng pari ay magiging gayon. Ngunit kung tunay na kanyang tutubusin, magdaragdag siya ng ikalimang bahagi sa ibinigay mong halaga. "Kapag ang isang tao ay magtatalaga ng kanyang bahay upang maging banal sa PANGINOON, ay hahalagahan ito ng pari, kung mabuti o masama; ayon sa ihahalaga ng pari ay magiging gayon. At kung tutubusin ng nagtalaga ang kanyang bahay, siya ay magdaragdag ng ikalimang bahagi ng salapi na inihalaga roon, at ito ay magiging kanya. "Kapag ang isang tao ay magtatalaga sa PANGINOON ng bahagi ng bukid na kanyang minana, ang iyong paghahalaga ay ayon sa binhi nito; isang omer na binhi ng sebada sa halagang limampung siklong pilak. Kung itatalaga niya ang kanyang bukid mula sa taon ng pagdiriwang, ito ay magiging ayon sa iyong inihalaga. Subalit kung italaga niya ang kanyang bukid pagkatapos ng pagdiriwang, bibilangin sa kanya ng pari ang salapi ayon sa mga taong natitira hanggang sa taon ng pagdiriwang at ito ay ibabawas sa iyong inihalaga. Kung ang bukid ay tutubusin ng nagtalaga nito, siya ay magdaragdag ng ikalimang bahagi ng salaping inihalaga roon, at ito ay mapapasa kanya. At kung hindi niya tubusin ang bukid, o kung ipinagbili niya ang bukid sa ibang tao, ito ay hindi na matutubos. Subalit ang bukid, kapag naalis sa pagdiriwang, ay magiging banal sa PANGINOON, bilang bukid na itinalaga. Ito ay magiging pag-aari ng pari. At kung ang sinuman ay magtalaga sa PANGINOON ng bukid na kanyang binili, na hindi sa bukid na kanyang minana; ay bibilangin sa kanya ng pari ang halaga ng iyong inihalaga hanggang sa taon ng pagdiriwang, at babayaran niya ang iyong inihalaga ng araw ding iyon, isang banal na bagay sa PANGINOON. Sa taon ng pagdiriwang, ibabalik ang bukid sa kanyang binilhan, sa kanya na nagmamay-ari ng lupa. Lahat ng iyong paghahalaga ay magiging ayon sa siklo ng santuwaryo: bawat isang siklo ay katumbas ng labinlimang gramo. "Gayunman, walang sinumang magtatalaga ng panganay sa mga hayop. Ito ay panganay para sa PANGINOON, maging baka o tupa ay para sa PANGINOON. At kung ito ay hayop na marumi, ito ay kanyang tutubusin ayon sa iyong inihalaga at idaragdag ang ikalimang bahagi niyon; o kung hindi tutubusin ay ipagbibili ayon sa iyong inihalaga. "Ngunit anumang bagay na itinalaga sa PANGINOON mula sa lahat ng kanyang pag-aari, maging sa tao o sa hayop, o sa bukid na kanyang pag-aari, ay hindi maipagbibili o matutubos; bawat bagay na itinalaga ay kabanal-banalan sa PANGINOON. Walang taong itinalaga sa pagkawasak ang matutubos; siya ay tiyak na papatayin. "Lahat ng ikasampung bahagi ng lupain, maging sa binhi ng lupain, o sa bunga ng punungkahoy ay sa PANGINOON; ito ay banal sa PANGINOON. Kung ang isang tao ay tutubos ng alinman sa kanyang ikasampung bahagi, idagdag niya roon ang ikalimang bahagi niyon. At lahat ng ikasampung bahagi sa bakahan o sa kawan, lahat ng ikasampung bahagi na dumaan sa ilalim ng tungkod ng pastol ay banal sa PANGINOON. Huwag niyang sisiyasatin kung mabuti o masama, ni huwag niya itong papalitan; at kung palitan niya ito, kapwa magiging banal ito at ang ipinalit at hindi ito maaaring tubusin." Ito ang mga utos na iniutos ng PANGINOON kay Moises sa bundok ng Sinai para sa mga anak ni Israel. Ang PANGINOON ay nagsalita kay Moises sa ilang ng Sinai sa toldang tipanan, nang unang araw ng ikalawang buwan, sa ikalawang taon pagkalabas nila sa lupain ng Ehipto, na sinasabi: "Bilangin mo ang buong sambayanan ng mga anak ni Israel, ayon sa mga angkan nila, sa mga sambahayan ng kani-kanilang mga ninuno, ayon sa bilang ng mga pangalan, bawat lalaki, bawat isa. Mula sa dalawampung taong gulang pataas, lahat sa Israel na maaaring lumaban sa digmaan, sila ay bibilangin mo at ni Aaron, ayon sa kanilang mga hukbo. Magsasama kayo ng isang lalaki mula sa bawat lipi; na bawat isa'y pinuno sa sambahayan ng kanyang mga ninuno. Ito ang mga pangalan ng mga lalaki na tutulong sa inyo. Mula kay Ruben: si Elisur na anak ni Sedeur; kay Simeon: si Selumiel na anak ni Zurishadai; kay Juda: si Naashon na anak ni Aminadab; kay Isacar: si Natanael na anak ni Suar; Sa lipi ni Zebulon: si Eliab na anak ni Helon; sa mga anak ni Jose: kay Efraim: si Elisama na anak ni Amihud; kay Manases: si Gamaliel na anak ni Pedasur; kay Benjamin: si Abidan na anak ni Gideoni; kay Dan: si Ahiezer na anak ni Amisadai; kay Aser: si Fegiel na anak ni Ocran; kay Gad: si Eliasaf na anak ni Deuel; kay Neftali: si Ahira na anak ni Enan." Ito ang mga pinili mula sa kapulungan, na mga pinuno sa mga lipi ng kani-kanilang mga ninuno. Sila ang mga puno ng mga angkan ng Israel. Dinala nina Moises at ni Aaron ang mga lalaking ito na inilagay sa tungkulin sa pamamagitan ng kanya-kanyang pangalan. At kanilang tinipon ang buong kapulungan nang unang araw ng ikalawang buwan, na nagpatala ayon sa kani-kanilang angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at sa bilang ng mga pangalan, mula dalawampung taong gulang pataas, bawat isa, ayon sa iniutos ng PANGINOON kay Moises. Gayon niya binilang sila sa ilang ng Sinai. At ang mga anak ni Ruben, na panganay ni Israel, ang kanilang mga salinlahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at sa bilang ng mga pangalan, bawat isa, bawat lalaki mula sa dalawampung taong gulang pataas, lahat ng maaaring lumaban sa digmaan: ang bilang ng lipi ni Ruben ay apatnapu't anim na libo at limang daan. Sa mga anak ni Simeon, ang kanilang mga salinlahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno ay nabilang sa kanila, ayon sa bilang ng mga pangalan, ayon sa dami nila, bawat lalaki mula sa dalawampung taong gulang pataas, lahat ng maaaring lumaban sa digmaan: ang bilang ng lipi ni Simeon ay limampu't siyam na libo at tatlong daan. Sa mga anak ni Gad, ang kanilang mga salinlahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at bilang ng mga pangalan, na mula dalawampung taong gulang pataas, lahat ng maaaring lumaban sa digmaan: ang bilang ng lipi ni Gad ay apatnapu't limang libo at animnaraan at limampu. Sa mga anak ni Juda, ang kanilang mga salinlahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at bilang ng mga pangalan, na mula sa dalawampung taong gulang pataas, lahat ng maaaring lumaban sa digmaan: ang bilang ng lipi ni Juda, ay pitumpu't apat na libo at animnaraan. Sa mga anak ni Isacar, ang kanilang mga salinlahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at bilang ng mga pangalan, mula dalawampung taong gulang pataas, lahat ng maaaring lumaban sa digmaan: ang bilang ng lipi ni Isacar ay limampu't apat na libo at apatnaraan. Sa mga anak ni Zebulon, ang kanilang mga salinlahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at bilang ng mga pangalan, na mula sa dalawampung taong gulang pataas, lahat ng maaaring lumaban sa digmaan: ang bilang ng lipi ni Zebulon ay limampu't pitong libo at apatnaraan. Sa mga anak ni Jose, na sa mga anak ni Efraim, ang kanilang mga salinlahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, ayon sa bilang ng mga pangalan, mula dalawampung taong gulang pataas, lahat ng maaaring lumaban sa digmaan: ang bilang ng lipi ni Efraim ay apatnapung libo at limang daan. Sa mga anak ni Manases, ang kanilang mga salinlahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, ayon sa bilang ng mga pangalan, mula dalawampung taong gulang pataas, lahat ng maaaring lumaban sa digmaan: ang bilang ng lipi ni Manases ay tatlumpu't dalawang libo at dalawandaan. Sa mga anak ni Benjamin, ang kanilang mga salinlahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at bilang ng mga pangalan, mula dalawampung taong gulang pataas, lahat ng maaaring lumaban sa digmaan: ang bilang ng lipi ni Benjamin ay tatlumpu't limang libo at apatnaraan. Sa mga anak ni Dan, ang kanilang mga salinlahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa sambahayan ng kanilang mga ninuno, at bilang ng mga pangalan, mula dalawampung taong gulang pataas, lahat ng maaaring lumaban sa digmaan: ang bilang ng lipi ni Dan ay animnapu't dalawang libo at pitong daan. Sa mga anak ni Aser, ang kanilang mga salinlahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at bilang ng mga pangalan, mula dalawampung taong gulang pataas, lahat ng maaaring lumaban sa digmaan: ang bilang ng lipi ni Aser ay apatnapu't isang libo at limang daan. Sa mga anak ni Neftali, ang kanilang mga salinlahi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa sambahayan ng kanilang mga ninuno, at bilang ng mga pangalan, mula dalawampung taong gulang pataas, lahat ng maaaring lumaban sa digmaan: ang bilang ng lipi ni Neftali ay limampu't tatlong libo at apatnaraan. Ito ang mga nabilang na binilang nina Moises at Aaron at ng labindalawang lalaki na mga pinuno ng Israel; bawat isa sa kanila'y kumakatawan sa sambahayan ng kanya-kanyang mga ninuno. Kaya't lahat ng nabilang sa mga anak ni Israel, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, mula dalawampung taong gulang pataas, lahat ng maaaring lumaban sa digmaan mula sa Israel, lahat ng nabilang ay animnaraan at tatlong libo limang daan at limampu. Subalit ang mga Levita ay hindi binilang na kasama ayon sa lipi ng kanilang mga ninuno. Sapagkat sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Ang lipi lamang ni Levi ang hindi mo bibilangin, ni hindi mo kukunin ang bilang nila sa mga anak ni Israel; kundi itatalaga mo ang mga Levita sa tolda ng patotoo, at sa lahat ng kasangkapan niyon, at sa lahat ng nauukol doon; kanilang dadalhin ang tolda, at ang lahat ng kasangkapan niyon; at kanilang pangangasiwaan at sila'y magkakampo sa palibot ng tolda. Kapag ililipat ang tolda, tatanggalin ito ng mga Levita at kapag itatayo ang tolda ay itatayo ng mga Levita at ang sinumang ibang lumapit ay papatayin. Ang ibang mga Israelita ay magtatayo ng kanilang mga tolda, ayon sa kani-kanilang pangkat. Subalit ang mga Levita ay magkakampo sa palibot ng tolda ng patotoo, upang huwag magkaroon ng poot sa sambayanan ng mga anak ni Israel. Ang mga Levita ang mangangasiwa ng tolda ng patotoo." Gayon ang ginawa ng mga anak ni Israel ayon sa lahat na iniutos ng PANGINOON kay Moises. Nagsalita ang PANGINOON kay Moises at kay Aaron, na sinasabi, "Ang mga anak ni Israel ay magkakampo, bawat lalaki sa tabi ng kanyang sariling watawat, na may sagisag ng mga sambahayan ng kanyang mga ninuno; magkakampo sila na nakaharap sa toldang tipanan sa palibot nito. Ang magkakampo sa silangan, sa dakong sinisikatan ng araw, ay ang kabilang sa watawat ng kampo ng Juda, ayon sa kanilang mga pangkat. Ang magiging pinuno sa mga anak ni Juda ay si Naashon na anak ni Aminadab. Ang kanyang pangkat ayon sa nabilang sa kanila ay pitumpu't apat na libo at animnaraan. Ang magkakampo sa tabi niya ay ang lipi ni Isacar; at ang magiging pinuno sa mga anak ni Isacar ay si Natanael na anak ni Suar. Ang kanyang pangkat ayon sa nabilang doon ay limampu't apat na libo at apatnaraan. Sa lipi ni Zebulon ang magiging pinuno sa mga anak ni Zebulon ay si Eliab na anak ni Helon, at ang kanyang pangkat ayon sa nabilang doon ay limampu't pitong libo at apatnaraan. Lahat ng nabilang sa kampo ng Juda ay isandaan at walumput anim na libo at apatnaraan, ayon sa kanilang mga pangkat. Sila ang unang susulong. "Sa dakong timog ay ang watawat ng kampo ng Ruben, ayon sa kanilang mga pangkat, at ang magiging pinuno hg mga anak ni Ruben ay si Elisur na anak ni Sedeur. Ang kanyang pangkat ayon sa bilang ay apatnapu't anim na libo at limang daan. Ang magkakampo sa tabi niya ay ang lipi ni Simeon at ang magiging pinuno sa mga anak ni Simeon ay si Selumiel na anak ni Zurishadai. Ang kanyang pangkat at ang nabilang sa kanila ay limampu't siyam na libo at tatlong daan. Kasunod ang lipi ni Gad at ang magiging pinuno sa mga anak ni Gad ay si Eliasaf na anak ni Reuel: Ang kanyang pangkat, at ang nabilang sa kanila ay apatnapu't limang libo at animnaraan at limampu. Lahat ng nabilang sa kampo ni Ruben ay isandaan at limampu't isang libo apatnaraan at limampu, ayon sa kanilang mga pangkat. Sila ang pangalawang susulong. "Kung magkagayon, ang toldang tipanan ay susulong na kasama ng pangkat ng mga Levita sa gitna ng mga kampo, ayon sa kanilang pagkakampo ay gayon sila susulong, na bawat lalaki ay sa kanya-kanyang lugar ayon sa kanilang mga watawat. "Sa dakong kanluran ay ang watawat ng kampo ng Efraim, ayon sa kanilang mga pangkat, at ang magiging pinuno sa mga anak ni Efraim ay si Elisama na anak ni Amihud. Ang kanyang pangkat, at ang nabilang sa kanila ay apatnapung libo at limang daan. Katabi niya ang lipi ni Manases at ang magiging pinuno sa mga anak ni Manases ay si Gamaliel na anak ni Pedasur. Ang kanyang pangkat, at ang nabilang sa kanila ay tatlumpu't dalawang libo at dalawandaan. Ang lipi ni Benjamin at ang magiging pinuno sa mga anak ni Benjamin ay si Abidan na anak ni Gideoni. Ang kanyang pangkat, at ang nabilang sa kanila ay tatlumpu't limang libo at apatnaraan. Ang lahat na nabilang sa kampo ng Efraim ay isandaan walong libo at isandaan, ayon sa kanilang mga pangkat. At sila ang pangatlong susulong. "Sa dakong hilaga ay ilalagay ang watawat ng kampo ng Dan, ayon sa kanilang mga pangkat at ang magiging pinuno sa mga anak ni Dan ay si Ahiezer na anak ni Amisadai. Ang kanilang pangkat, at ang nabilang sa kanila ay animnapu't dalawang libo at pitong daan. Ang magkakampo na katabi niya ay ang lipi ni Aser; ang magiging pinuno sa mga anak ni Aser ay si Fegiel na anak ni Ocran. Ang kanyang pangkat, at ang nabilang sa kanila ay apatnapu't isang libo at limang daan. Kasunod ang lipi niNeftali at ang magiging pinuno sa mga anak ni Neftali ay si Ahira na anak ni Enan. Ang kanyang pangkat, at ang nabilang sa kanila ay limampu't tatlong libo at apatnaraan. Ang lahat na nabilang sa kampo ng Dan, ay isandaan at limampu't pitong libo at animnaraan. Sila ang huling susulong, ayon sa kanilang mga watawat." Ito ang nabilang sa mga anak ni Israel, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno: ang lahat na nabilang sa mga kampo, ayon sa kanilang mga pangkat ay animnaraan at tatlong libo at limang daan at limampu. Subalit ang mga Levita ay hindi binilang na kasama ng mga anak ni Israel gaya ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. Gayon ang ginawa ng mga anak ni Israel; ayon sa lahat ng iniutos ng PANGINOON kay Moises ay gayon sila nagkampo sa tabi ng kanilang mga watawat, at gayon sila sumulong, na bawat isa'y ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno. Ito ang mga salinlahi nina Aaron at Moises, nang araw na magsalita ang PANGINOON kay Moises sa bundok ng Sinai. Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Aaron: si Nadab ang panganay, kasunod sina Abihu, Eleazar, at Itamar. Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Aaron, na mga paring binuhusan ng langis, na kanyang itinalaga upang maglingkod bilang mga pari. Subalit sina Nadab at Abihu ay namatay sa harap ng PANGINOON nang sila'y maghandog ng kakaibang apoy sa harap ng PANGINOON sa ilang ng Sinai, at sila'y walang anak. Kaya't sina Eleazar at Itamar ay nanungkulan bilang mga pan sa harap ni Aaron na kanilang ama. Nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Ilapit mo ang lipi ni Levi, at ilagay mo sila sa harap ng paring si Aaron upang sila'y maglingkod sa kanya. Kanilang gaganapin ang katungkulan para sa kanya, at sa buong sambayanan sa harap ng toldang tipanan habang sila'y naglilingkod sa tabernakulo. At kanilang iingatan ang lahat ng kasangkapan ng toldang tipanan at ang katungkulan ng mga anak ni Israel habang sila'y naglilingkod sa tabernakulo. Iyong ibibigay ang mga Levita kay Aaron at sa kanyang mga anak. Sila'y lubos na ibinigay sa kanya mula sa mga anak ni Israel. Iyong itatalaga si Aaron at ang kanyang mga anak, at kanilang gaganapin ang kanilang pagkapari; at ang ibang lalapit ay papatayin." Nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Kinuha ko ang mga Levita mula sa mga anak ni Israel sa halip na ang mga panganay na nagbubukas ng bahay-bata sa mga anak ni Israel. Ang mga Levita ay magiging akin. Lahat ng mga panganay ay akin, nang araw na aking lipulin ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto ay aking itinalaga para sa akin ang lahat ng mga panganay sa Israel, maging tao at hayop man. Sila'y magiging akin; ako ang PANGINOON." Nagsalita ang PANGINOON kay Moises sa ilang ng Sinai, na sinasabi, "Bilangin mo ang mga anak ni Levi, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at mga angkan; bawat lalaki mula isang buwang gulang pataas ay bibilangin mo." Kaya't sila'y binilang ni Moises ayon sa salita ng PANGINOON, gaya ng iniutos sa kanya. Ito ang mga naging anak ni Levi ayon sa kanilang mga pangalan: sina Gershon, Kohat, at Merari. Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Gershon ayon sa kanilang mga angkan: si Libni at si Shimei. Ang mga anak ni Kohat ayon sa kanilang mga angkan, ay sina Amram, Izar, Hebron, at Uziel. Ang mga anak ni Merari ayon sa kanilang mga angkan ay sina Mahli at Musi. Ito ang mga angkan ng mga Levita ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno. Kay Gershon galing ang angkan ng mga Libnita, at ang angkan ng mga Shimeita; ito ang mga angkan ng mga Gershonita. Ang nabilang sa kanila, ayon sa bilang ng lahat ng mga lalaki, mula sa isang buwang gulang pataas, ay pitong libo at limang daan. Ang mga angkan ng mga Gershonita ay magkakampo sa likuran ng tabernakulo sa dakong kanluran. Ang magiging pinuno sa sambahayan ng mga ninuno ng mga Gershonita ay si Eliasaf na anak ni Lael. Ang magiging katungkulan ng mga anak ni Gershon sa toldang tipanan ay ang tabernakulo, ang tolda at ang takip nito at ang tabing sa pintuan ng toldang tipanan, ang mga tabing ng bulwagan at ng pintuan ng bulwagan na nasa palibot ng tabernakulo at ng dambana, at ang mga tali niyon na nauukol sa buong paglilingkod doon. Mula kay Kohat ang angkan ng mga Amramita at mga Izarita, at mga Hebronita, at mga Uzielita. Ito ang mga angkan ng mga Kohatita. Ayon sa bilang ng lahat na mga lalaki, mula sa isang buwang gulang pataas ay walong libo at animnaraang gumaganap ng katungkulan sa santuwaryo. Ang mga angkan ng mga anak ni Kohat ay magkakampo sa tagiliran ng tabernakulo, sa gawing timog. Ang magiging pinuno sa sambahayan ng mga ninuno ng mga angkan ng mga Kohatita ay si Elisafan na anak ni Uziel. Ang pangangasiwaan nila ay ang kaban, hapag, ilawan, mga dambana, mga kasangkapan ng santuwaryo na kanilang ginagamit sa paglilingkod, at tabing — lahat ng paglilingkod na may kinalaman sa mga ito. Si Eleazar na anak ng paring si Aaron ay siyang magiging pinuno ng mga pinuno ng mga Levita at mamamahala sa mga may tungkulin sa santuwaryo. Mula kay Merari ang angkan ng mga Mahlita at angkan ng mga Musita: ito ang mga angkan ni Merari. Ang nabilang sa kanila ayon sa bilang ng lahat na mga lalaki, mula sa isang buwang gulang pataas ay anim na libo at dalawandaan. Ang magiging pinuno sa sambahayan ng mga ninuno ng mga angkan ni Merari ay si Suriel na anak ni Abihail. Sila'y magkakampo sa tagiliran ng tabernakulo sa gawing hilaga. Ang pangangasiwaan ng mga anak ni Merari, ay ang mga balangkas ng tabernakulo, ang mga biga, ang mga haligi, ang mga patungan, at ang lahat ng kasangkapan — lahat ng paglilingkod doon na may kinalaman sa mga ito; gayundin ang mga haligi sa palibot ng bulwagan, mga patungan, mga tulos, at mga tali ng mga iyon. Ang lahat ng magkakampo sa harap ng tabernakulo sa gawing silangan, sa harap ng toldang tipanan, sa dakong sinisikatan ng araw ay sina Moises at Aaron, at ang kanyang mga anak na mamamahala ng katungkulan sa santuwaryo, upang gampanan ang anumang dapat gawin para sa mga anak ni Israel, at ang sinumang ibang lalapit ay papatayin. Ang lahat ng nabilang sa mga Levita na binilang nina Moises at Aaron sa utos ng PANGINOON ayon sa kanilang mga angkan, lahat ng lalaki mula sa isang buwang gulang pataas ay dalawampu't dalawang libo. At sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Bilangin mo ang lahat ng mga lalaking panganay sa mga anak ni Israel mula sa isang buwang gulang pataas, at kunin mo ang kanilang bilang ng ayon sa kanilang mga pangalan. Iuukol mo sa akin ang mga Levita (ako ang PANGINOON) sa halip na ang lahat ng mga panganay sa mga anak ni Israel; at ang mga hayop ng mga Levita sa halip na ang lahat ng mga panganay sa mga hayop ng mga anak ni Israel." Kaya't binilang ni Moises ang lahat ng mga panganay sa mga anak ni Israel, gaya ng iniutos sa kanya ng PANGINOON. Lahat ng mga panganay na lalaki ayon sa bilang ng mga pangalan, mula sa isang buwang gulang pataas, doon sa nabilang sa kanila ay dalawampu't dalawang libo dalawandaan at pitumpu't tatlo. At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Kunin mo ang mga Levita sa halip ng lahat na mga panganay sa mga anak ni Israel, at ang mga hayop ng mga Levita sa halip ng kanilang mga hayop, at ang mga Levita ay magiging akin; ako ang PANGINOON. Bilang pantubos sa dalawandaan at pitumpu't tatlong panganay ng mga anak ni Israel na higit sa bilang ng mga lalaking Levita, ay kukuha ka ng limang siklo para sa bawat isa ayon sa ulo; ayon sa siklo ng santuwaryo ay kukunin mo (ang isang siklo ay dalawampung gera). Ibibigay mo kay Aaron at sa kanyang mga anak ang salapi bilang pantubos sa humigit sa bilang." At kinuha ni Moises ang salaping pantubos sa mga hindi natubos ng mga Levita, mula sa mga panganay ng mga anak ni Israel kinuha niya ang salapi; isang libo tatlong daan at animnapu't limang siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo. At ibinigay ni Moises kay Aaron at sa kanyang mga anak ang salaping pantubos ayon sa salita ng PANGINOON, gaya nang iniutos ng PANGINOON kay Moises. Nagsalita ang PANGINOON kay Moises at kay Aaron, na sinasabi, "Kunin ninyo ang bilang ng mga anak ni Kohat, mula sa mga anak ni Levi, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno. Mula sa tatlumpung taong gulang hanggang sa limampung taong gulang, lahat ng maaaring pumasok sa paglilingkod, upang gumawa ng gawain sa toldang tipanan. Ito ang paglilingkod ng mga anak ni Kohat sa toldang tipanan, sa mga bagay na kabanal-banalan. Kapag ang kampo ay susulong na, papasok si Aaron sa loob at ang kanyang mga anak, at kanilang ibababa ang lambong ng tabing, at kanilang tatakpan niyon ang kaban ng patotoo. Kanilang ilalagay sa ibabaw ang isang takip na balat ng kambing at kanilang lalatagan ang ibabaw ng isang telang asul, at kanilang ilalagay ang mga pasanan niyon. Sa ibabaw ng hapag ng tinapay na handog ay maglalatag sila ng isang telang asul, at kanilang ilalagay sa ibabaw nito ang mga pinggan, at ang sandok, mga mangkok, mga pitsel para sa handog na inumin; at ang palagiang tinapay ay malalagay sa ibabaw niyon. Kanilang lalatagan ang ibabaw ng mga iyon ng telang pula, at kanilang tatakpan ito ng isang panakip na balat ng kambing, at kanilang ilalagay ang mga pasanan. Kukuha sila ng isang telang asul at kanilang tatakpan ang ilawan para sa ilaw, kasama ang mga ilawan, mga pamputol ng mitsa, mga lalagyan, at lahat ng sisidlan ng langis na ginagamit dito. At kanilang ilalagay, pati ang lahat ng kasangkapan niyon sa loob ng isang panakip na balat ng kambing, at kanilang ilalagay sa ibabaw ng isang patungan. Ang ibabaw ng dambanang ginto ay kanilang lalatagan ng isang telang asul, at kanilang tatakpan ng isang panakip na balat ng kambing, at kanilang ilalagay ang mga pasanan niyon. Kanilang kukunin ang lahat ng mga kasangkapan na ukol sa paglilingkod na ginagamit sa santuwaryo. Ang mga ito'y kanilang ilalagay sa isang telang asul, tatakpan ng isang panakip na balat ng kambing, at ipapatong sa patungan. Kanilang aalisin ang mga abo sa dambana at lalatagan ito ng isang telang kulay-ube. Kanilang ipapatong doon ang lahat ng mga kasangkapan ng dambana na ginagamit sa paglilingkod doon, ang apuyan at ang mga pantusok, ang mga pala at ang mga mangkok, lahat ng mga kasangkapan ng dambana. Kanilang lalatagan iyon ng isang panakip na balat ng kambing, at kanilang ilalagay sa mga pasanan niyon. Kapag tapos nang takpan ni Aaron at ng kanyang mga anak ang lahat ng kasangkapan ng santuwaryo, habang sumusulong ang kampo, lalapit ang mga anak ni Kohat upang kanilang buhatin iyon. Subalit huwag nilang hihipuin ang mga banal na bagay, upang hindi sila mamatay. Ang mga bagay na ito sa toldang tipanan ang papasanin ng mga anak ni Kohat. "Ang pangangasiwaan ni Eleazar na anak ng paring si Aaron, ay ang langis sa ilaw, ang mabangong insenso, ang patuloy na handog na butil, ang langis na pambuhos, ang pamamahala sa buong tabernakulo at ng lahat na nandoon, ang santuwaryo at ang mga sisidlan niyon." At nagsalita ang PANGINOON kina Moises at Aaron, na sinasabi, "Huwag ninyong hayaang mamatay ang lipi ng mga angkan ng mga Kohatita sa gitna ng mga Levita, ganito mo sila dapat pakitunguhan upang sila'y mabuhay at huwag mamatay, paglapit nila sa mga kabanal-banalang bagay. Si Aaron at ang kanyang mga anak ay paroroon at ituturo sa bawat isa ang kanya-kanyang paglilingkod at ang kanya-kanyang pasanin. Ngunit sila'y huwag papasok upang tingnan ang santuwaryo kahit sandali lang, upang hindi sila mamatay." Nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Bibilangin mo rin ang bilang ng mga anak ni Gershon, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno ayon sa kanilang mga angkan; mula sa tatlumpung taong gulang hanggang sa limampung taong gulang ay bibilangin mo sila; ang lahat ng karapat-dapat maglingkod sa gawain ng toldang tipanan. Ito ang paglilingkod ng mga angkan ng mga Gershonita, sa paglilingkod at sa pagdadala ng mga daladalahan. Dadalhin nila ang mga tabing ng tabernakulo, ang toldang tipanan, ang takip niyon, ang panakip na balat ng kambing na nasa ibabaw nito, at ang tabing sa pintuan ng toldang tipanan, ang mga kurtina sa bulwagan, ang tabing sa pasukan ng bulwagan na nasa palibot ng tabernakulo at ng dambana, at ang mga tali ng mga iyon, at ang lahat ng kasangkapan sa kanilang paglilingkod; at gagawin nila ang lahat na marapat na gawin sa mga iyon. Nasa pamamahala ni Aaron at ng kanyang mga anak ang buong paglilingkod ng mga anak ng mga Gershonita, ang lahat ng kanilang dadalhin at ang lahat ng kanilang gagawin; at inyong ituturo sa kanila ang mga nauukol sa kanilang dadalhin. Ito ang paglilingkod ng mga angkan ng mga Gershonita sa toldang tipanan at ang gawain nila ay nasa ilalim ng pamamahala ni Itamar na anak ng paring si Aaron. "Tungkolsa mga anak ni Merari bibilangin mo sila ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno. Mula sa tatlumpung taong gulang pataas hanggang sa limampung taong gulang ay iyong bibilangin sila, lahat na maaaring pumasok sa paglilingkod, upang gawin ang gawain sa toldang tipanan. At ito ang tungkulin nilang dalhin ayon sa lahat ng paglilingkod nila sa toldang tipanan: ang mga tabla ng tabernakulo, ang mga biga, ang mga haligi, at ang mga patungan. Ang mga haligi sa palibot ng bulwagan, at ang mga patungan, at ang mga tulos, at ang mga tali pati ang lahat ng kasangkapan at iba pang kasamang kagamitan; at ayon sa pangalan, ay ituturo mo sa kanila ang mga kasangkapan na katungkulan nilang dalhin. Ito ang paglilingkod ng mga angkan ng mga anak ni Merari ayon sa lahat ng paglilingkod nila sa toldang tipanan, sa ilalim ng pamamahala ni Itamar na anak ng paring si Aaron." At binilang nina Moises at Aaron at ng mga pinuno ng sambayanan ang mga anak ng mga Kohatita ayon sa kanilang mga angkan, at ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, mula tatlumpung taong gulang pataas hanggang limampung taong gulang, ang bawat isa na karapat-dapat maglingkod sa toldang tipanan. Ang nabilang sa kanila ayon sa kanilang mga angkan ay dalawang libo pitong daan at Iimampu. Ito ang nabilang sa mga angkan ng mga Kohatita, lahat ng naglilingkod sa toldang tipanan na binilang ni Moises at ni Aaron, ayon sa utos ng PANGINOON sa pamamagitan ni Moises. At ang nabilang sa mga anak ni Gershon, ang kanilang mga angkan, at ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, mula tatlumpung taong gulang pataas hanggang limampung taong gulang, bawat isa na karapat-dapat maglingkod sa toldang tipanan. Ang nabilang sa kanila, ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, ay dalawang libo animnaraan at tatlumpu. Ito ang nabilang sa mga angkan ng mga anak ni Gershon, sa lahat ng naglingkod sa toldang tipanan na binilang ni Moises at ni Aaron, ayon sa utos ng PANGINOON. Ang nabilang sa mga angkan ng mga anak ni Merari ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, mula tatlumpung taong gulang pataas hanggang limampung taong gulang, bawat isang karapat-dapat maglingkod sa toldang tipanan, ang lahat na nabilang sa kanila ayon sa kanilang mga angkan ay tatlong libo at dalawandaan. Ito ang nabilang sa mga angkan ng mga anak ni Merari na binilang nina Moises at Aaron, ayon sa utos ng PANGINOON sa pamamagitan ni Moises. Ang lahat na nabilang sa mga Levita, na binilang ni Moises at ni Aaron at ng mga pinuno sa Israel, ayon sa kanilang mga angkan at sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, mula tatlumpung taong gulang pataas hanggang limampung taong gulang, bawat isang karapat-dapat maglingkod at magdala ng mga pasan na may kinalaman sa toldang tipanan. Ang nabilang sa kanila ay walong libo limang daan at walumpu. Ayon sa utos ng PANGINOON ay nabilang sa pamamagitan ni Moises, bawat isa ayon sa kanyang paglilingkod, at ayon sa kanyang dadalhin; ganito niya binilang sila gaya ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. Nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Iutos mo sa mga anak ni Israel na ilabas sa kampo ang bawat ketongin, at bawat may tulo at dinudugo, at ang bawat marumi dahil sa napahawak sa patay. Kapwa ninyo ilalabas ang lalaki at babae. Sa labas ng kampo ninyo sila ilalagay upang hindi madungisan ang kanilang kampo na aking tinitirhan." Gayon nga ang ginawa ng mga anak ni Israel, at inilabas sila sa kampo; kung paanong sinabi ng PANGINOON kay Moises ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel. At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Sabihin mo sa mga anak ni Israel: Kapag ang isang lalaki o babae ay nakagawa ng anumang kasalanan na nagagawa ng mga tao sa pamamagitan ng pagtataksil sa PANGINOON, ang taong iyon ay nagkasala, at kanyang ipahahayag ang kanyang kasalanang nagawa at kanyang pagbabayarang lubos ang kanyang sala, at dadagdagan pa niya ng ikalimang bahagi at ibibigay sa ginawan ng pagkakasala. Subalit kung ang lalaki ay walang kamag-anak na mapagbabayaran ng sala, ang kabayaran sa sala ay mapupunta sa PANGINOON para sa pari, bukod sa lalaking tupa na pantubos sa kanya. At ang bawat handog sa lahat ng bagay na banal ng mga anak ni Israel na kanilang dadalhin sa pari ay magiging kanya. Ang mga bagay na banal ng bawat lalaki ay magiging kanya; ang ibigay ng sinumang tao sa pari ay magiging kanya." At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Sabihin mo sa mga anak ni Israel, 'Kung ang asawa ng sinumang lalaki ay lumihis ng landas at hindi naging tapat sa kanya, at may ibang lalaking sumiping sa kanya, at ito'y nakubli sa mga mata ng kanyang asawa at siya ay hindi nahalata kahit na dinungisan niya ang kanyang sarili at walang saksi laban sa kanya, at hindi siya nahuli sa akto, at kung ang diwa ng paninibugho ay dumating sa kanya, at siya'y maninibugho sa kanyang asawa na dumungis sa kanyang sarili o kung ang diwa ng paninibugho ay dumating sa kanya at siya'y naninibugho sa kanyang asawa, bagaman hindi niya dinungisan ang kanyang sarili, dadalhin ng lalaki sa pari ang kanyang asawa, at dadalhin ang handog na hinihingi sa babae, ikasampung bahagi ng isang efa ng harina ng sebada. Hindi niya bubuhusan ng langis o lalagyan man ng kamanyang, sapagkat ito ay handog na butil tungkol sa paninibugho, handog na harinang alaala na nagpapaalala sa kasalanan. "At ilalapit ng pari ang babae, at pahaharapin sa PANGINOON. Ang pari ay kukuha ng banal na tubig sa isang lalagyang luwad at dadampot ang pari ng alabok na nasa lapag ng tabernakulo at ilalagay sa tubig. Pahaharapin ng pari ang babae sa PANGINOON, at ipalulugay ang buhok ng babae, at ilalagay sa kanyang mga kamay ang handog na butil na alaala, na handog na butil tungkol sa paninibugho, at hahawakan ng pari sa kamay ang mapapait na tubig na nagdadala ng sumpa. Siya'y panunumpain ng pari, at sasabihin sa babae, 'Kung walang sumiping sa iyo na ibang lalaki, at kung hindi ka bumaling sa karumihan, habang ikaw ay nasa ilalim ng kapamahalaan ng iyong asawa ay maligtas ka nawa sa mapait na tubig na ito na nagdadala ng sumpa. Subalit kung ikaw ay lumihis habang ikaw ay nasa ilalim ng kapamahalaan ng iyong asawa, at kung ikaw ay nadungisan at may ibang lalaking sumiping sa iyo, bukod sa iyong asawa,' panunumpain ng pari ang babae ng panunumpang sumpa, at sasabihin ng pari sa babae, 'Gagawin ka ng PANGINOON na sumpa at kahihiyan sa gitna ng iyong bayan, kapag pinalaylay ng PANGINOON ang iyong hita at pinamaga ang iyong katawan. Ang tubig na ito na nagdadala ng sumpa ay pumasok nawa sa iyong katawan, at ang iyong katawan ay pamagain at ang iyong hita ay palaylayin.' At ang babae ay magsasabi, 'Amen.' "Pagkatapos ay isusulat ng pari ang mga sumpang ito sa isang aklat, at kanyang tatanggalin sa tubig ng kapaitan. Kanyang ipapainom sa babae ang mapait na tubig na nagdadala ng sumpa at papasok sa kanya ang tubig na nagdadala ng sumpa, at magbubunga ng matinding hapdi. At kukunin ng pari sa kamay ng babae ang handog na butil tungkol sa paninibugho at kanyang iwawagayway ang handog na butil sa harap ng PANGINOON, at dadalhin ito sa dambana. Ang pari ay kukuha ng isang dakot ng handog na butil na alaala niyon at susunugin sa ibabaw ng dambana, at pagkatapos ay ipapainom sa babae ang tubig. Kapag napainom na siya ng tubig, at mangyari kung kanyang dinungisan ang kanyang sarili, at siya'y nagtaksil sa kanyang asawa, ang tubig na nagdadala ng sumpa ay papasok sa kanya at magbubunga ng matinding hapdi. Ang kanyang katawan ay mamamaga at ang kanyang hita ay lalaylay; at ang babae ay magiging sumpa sa gitna ng kanyang bayan. Ngunit kung ang babae ay hindi nadungisan, kundi malinis, lalaya siya at magdadalang-tao. "Ito ang batas tungkol sa paninibugho, kapag ang isang babae bagaman nasa ilalim ng kapangyarihan ng kanyang asawa, ay naligaw at dinungisan ang kanyang sarili, o kapag ang diwa ng paninibugho ay dumating sa isang lalaki, at naninibugho sa kanyang asawa; ang babae ay pahaharapin niya sa PANGINOON at ilalapat ng pari sa babae ang buong kautusang ito. Ang lalaki ay maliligtas sa kasamaan ngunit ang babae ay mananagot sa kanyang kasamaan." Nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Sabihin mo sa mga anak ni Israel, 'Kapag ang sinumang lalaki o babae ay gagawa ng panata, ng isang Naziritad upang italaga ang sarili para sa PANGINOON, ay lalayo siya sa alak at sa matapang na inumin. Siya'y hindi iinom ng tubang mula sa alak, o anumang inuming nakalalasing, ni iinom man ng anumang katas ng ubas o kakain man ng ubas na sariwa o pinatuyo. Sa lahat ng araw ng kanyang pagiging Nazirita, hindi siya kakain ng anumang bagay na ibinubunga ng puno ng ubas, magmula sa mga butil hanggang sa balat. "Sa lahat ng araw ng kanyang panata bilang Nazirita ay walang pang-ahit na daraan sa ibabaw ng kanyang ulo; hanggang sa matapos ang mga araw nang pagkabukod ng kanyang sarili sa PANGINOON, siya'y magiging banal; kanyang pababayaang humaba ang buhok ng kanyang ulo. "Sa lahat ng araw nang kanyang pagbubukod ng kanyang sarili para sa PANGINOON, ay hindi siya lalapit sa bangkay. Maging sa kanyang ama o sa kanyang ina, o sa kanyang kapatid na lalaki, o babae, kapag sila'y namatay ay hindi siya magpapakarumi, sapagkat ang kanyang pagkakabukod para sa Diyos, ay nasa kanyang ulo. Sa lahat ng araw ng kanyang pagkabukod ay banal siya sa PANGINOON. "At kung ang sinuman ay biglang mamatay sa tabi niya at nadungisan niya ang kanyang ulong itinalaga, aahitan niya ang kanyang ulo sa araw ng kanyang paglilinis; sa ikapitong araw ay aahitan niya ito. Sa ikawalong araw ay magdadala siya ng dalawang batu-bato o dalawang batang kalapati sa pari sa pintuan ng toldang tipanan. Ihahandog ng pari ang isa na handog pangkasalanan at ang isa'y handog na sinusunog at itutubos sa kanya, sapagkat siya'y nagkasala dahil sa bangkay, at itatalaga niya ang kanyang ulo sa araw ding iyon. At itatalaga niya sa PANGINOON ang mga araw ng kanyang pagkabukod, at siya'y magdadala ng isang korderong lalaki na isang taong gulang na handog pangkasalanan subalit ang mga unang araw ay mawawalan ng kabuluhan, sapagkat ang kanyang pagkabukod ay nadungisan. "At ito ang batas tungkol sa Nazirita, kapag natapos na ang mga araw ng kanyang pagkabukod, siya'y dadalhin sa pintuan ng toldang tipanan. At kanyang ihahandog ang kanyang alay sa PANGINOON, na isang korderong lalaki na isang taon na walang kapintasan, bilang handog na sinusunog, at isang korderong babae na isang taon na walang kapintasan bilang handog pangkasalanan at isang lalaking tupa na walang kapintasan bilang handog pangkapayapaan, at isang bakol na tinapay na walang pampaalsa, mga munting tinapay ng piling harina na hinaluan ng langis at maninipis na tinapay na walang pampaalsa na pinahiran ng langis, at ang handog na butil niyon at ang mga handog na inumin niyon. Ihaharap iyon ng pari sa harapan ng PANGINOON, at ihahandog ang kanyang handog pangkasalanan at ang kanyang handog na sinusunog. Kanyang ihahandog sa PANGINOON ang lalaking tupa bilang handog pangkapayapaan na kalakip ng bakol ng mga tinapay na walang pampaalsa. Ihahandog din ng pari ang handog na butil niyon at ang handog na inumin niyon. Ang Nazirita ay mag-aahit ng kanyang ulo ng pagkatalaga doon sa pintuan ng toldang tipanan at kanyang dadamputin ang buhok ng kanyang ulo ng pagkatalaga at ilalagay sa ibabaw ng apoy na nasa ilalim ng alay na handog pangkapayapaan. At kukunin ng pari ang lutong balikat ng tupa, at isang munting tinapay na walang pampaalsa sa bakol, at isang manipis na tinapay na walang pampaalsa, at ilalagay sa mga kamay ng Nazirita, pagkatapos makapag-ahit ng buhok ng kanyang pagkatalaga. Ang mga ito ay iwawagayway ng pari bilang handog na iwinagayway sa harapan ng PANGINOON; ito'y banal sa pari, pati ang dibdib na iwinagayway at ang hitang inialay; at pagkatapos nito, ang Nazirita ay maaari nang uminom ng alak, "Ito ang batas para sa Nazirita na nagpanata. Ang kanyang alay sa PANGINOON ay magiging ayon sa kanyang panata bilang Nazirita, bukod pa sa kanyang nakayanan; ayon sa kanyang panata na kanyang ipinangako ay gayon niya dapat gawin, ayon sa batas para sa kanyang pagkabukod bilang isang Nazirita." Nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak, 'Sa ganitong paraan babasbasan ninyo ang mga anak ni Israel; sasabihin ninyo sa kanila: Pagpalain ka nawa ng PANGINOON at ingatan ka. Paliwanagin nawa ng PANGINOON ang kanyang mukha sa iyo, at mahabag sa iyo. Ilingap nawa ng PANGINOON ang kanyang mukha sa iyo, at bigyan ka ng kapayapaan. Gayon nila ilalagay ang aking pangalan sa mga anak ni Israel, at pagpapalain ko sila." Nang araw na matapos itayo ni Moises ang tabernakulo, at mabuhusan ng langis at maitalaga, pati ang lahat ng kasangkapan niyon, ang dambana at ang lahat na kasangkapan niyon, at mabuhusan ng langis at maitalaga ang mga iyon, ang mga pinuno ng Israel, ang mga pinuno ng mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, ang mga pinuno sa mga lipi, na mga namamahala roon sa nabilang ay naghandog. Kanilang dinala ang kanilang handog sa harap ng PANGINOON, anim na karitong may takip, at labindalawang baka; isang kariton sa bawat dalawa sa mga pinuno, at sa bawat isa'y isang baka; at kanilang inihandog ang mga iyon sa harapan ng tabernakulo. At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Tanggapin mo ang mga ito mula sa kanila, upang ang mga ito'y magamit sa paghlingkod sa toldang tipanan, at ibigay mo sa mga Levita, sa bawat lalaki ang ayon sa kanya-kanyang paglilingkod." At tinanggap ni Moises ang mga kariton at ang mga baka at ibinigay sa mga Levita. Dalawang kariton at apat na baka ang ibinigay niya sa mga anak ni Gershon, ayon sa kanilang paglilingkod. Apat na kariton at walong baka ang kanyang ibinigay sa mga anak ni Merari, ayon sa kanilang paglilingkod, sa ilalim ng pamamahala ni Itamar na anak ng paring si Aaron. Ngunit sa mga anak ni Kohat ay wala siyang ibinigay, sapagkat iniatas sa kanila ang pangangalaga sa mga banal na bagay na kailangang pasanin sa kanilang mga balikat. Ang mga pinuno ay naghandog rin ng mga alay para sa pagtatalaga ng dambana nang araw na ito ay buhusan ng langis; ang mga pinuno ay naghandog ng kanilang alay sa harap ng dambana. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Sila'y maghahandog ng kanilang alay, isang pinuno bawat araw para sa pagtatalaga ng dambana." At ang naghandog ng kanyang alay nang unang araw ay si Naashon na anak ni Aminadab sa lipi ni Juda. Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na gawa sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo ayon sa siklo ng santuwaryo; parehong puno ng piling butil na hinaluan ng langis, bilang handog na butil; isang gintong sandok na ang bigat ay sampung siklo, na puno ng insenso, isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog; isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan. At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang tupang lalaki, limang kambing na lalaki, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Naashon na anak ni Aminadab. Nang ikalawang araw, si Natanael na anak ni Suar, na pinuno ng Isacar ay naghandog. Ang kanyang inihandog na alay ay isang pinggang yari sa pilak na ang bigat ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa puno ng piling harina na hinaluan ng langis, bilang handog na butil; isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na puno ng insenso; isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog; isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan. At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang lalaking tupa, limang kambing na lalaki, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Natanael na anak ni Suar. Nang ikatlong araw ay si Eliab na anak ni Helon, na pinuno sa mga anak ni Zebulon. Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo na parehong puno ng piling harina na hinaluan ng langis bilang handog na butil; isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na puno ng insenso; isang batang toro, isang tupang lalaki, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog; isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan. At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang tupang lalaki, limang kambing na lalaki, at Limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Eliab na anak ni Helon. Nang ikaapat na araw ay si Elisur na anak ni Sedeur, na pinuno sa mga anak ni Ruben. Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa puno ng piling harina na hinaluan ng langis, bilang handog na butil; isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na puno ng insenso; isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog; isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan. At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang tupang lalaki, limang kambing na lalaki, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Elisur na anak ni Sedeur. Nang ikalimang araw ay si Selumiel na anak ni Zurishadai, na pinuno sa mga anak ni Simeon. Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa puno ng piling harina na hinaluan ng langis, na pinakahandog na butil; isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na puno ng insenso; isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog; isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan. At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang lalaking tupa, limang kambing na lalaki at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Selumiel na anak ni Zurishadai. Nang ikaanim na araw ay si Eliasaf na anak ni Deuel, na pinuno sa mga anak ni Gad. Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa puno ng piling harina na hinaluan ng langis bilang handog na butil; isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na puno ng insenso; isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog; isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan. At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang lalaking tupa, limang kambing na lalaki, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Eliasaf na anak ni Deuel. Nang ikapitong araw ay si Elisama na anak ni Amihud, na pinuno sa mga anak ni Efraim. Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa puno ng piling harina na hinaluan ng langis bilang handog na butil; isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na puno ng insenso; isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang na handog na sinusunog; isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan. At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang lalaking tupa, limang lalaking kambing, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Elisama na anak ni Amihud. Nang ikawalong araw ay si Gamaliel na anak ni Pedasur, na pinuno sa mga anak ni Manases. Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa puno ng piling harina na hinaluan ng langis, bilang handog na butil; isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na puno ng insenso; isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog; isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan. At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang lalaking tupa, limang kambing na lalaki, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Gamaliel na anak ni Pedasur. Nang ikasiyam na araw ay si Abidan, na anak ni Gideoni, na pinuno sa mga anak ni Benjamin. Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa puno ng piling harina na hinaluan ng langis, bilang handog na butil; isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na puno ng insenso; isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog; isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan. At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang lalaking tupa, limang kambing na lalaki, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Abidan na anak ni Gideoni. Nang ikasampung araw ay si Ahiezer na anak ni Amisadai, na pinuno sa mga anak ni Dan. Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa puno ng piling harina na hinaluan ng langis, bilang handog na butil; isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na puno ng insenso; isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog; isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan. At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang lalaking tupa, limang kambing na lalaki, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Ahiezer na anak ni Amisadai. Nang ikalabing-isang araw ay si Pagiel na anak ni Ocran, na pinuno sa mga anak niAser. Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa puno ng piling harina na hinaluan ng langis, bilang handog na butil; isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na puno ng insenso; isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog; isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan. At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang lalaking tupa, limang kambing na lalaki, at limang korderong lalaki na isang taong gulang; Ito ang alay ni Pagiel na anak ni Ocran. Nang ikalabindalawang araw ay si Ahira na anak ni Enan, na pinuno sa mga anak ni Neftali. Ang kanyang alay ay isang pinggang yari sa pilak, na ang bigat niyon ay isandaan at tatlumpung siklo, isang mangkok na yari sa pilak na ang bigat ay pitumpung siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo; kapwa puno ng piling harina na hinaluan ng langis, bilang handog na butil; isang sandok na yari sa ginto na ang bigat ay sampung siklo, na puno ng insenso; isang batang toro, isang lalaking tupa, isang korderong lalaki na isang taong gulang, na handog na sinusunog; isang lalaki sa mga kambing na handog pangkasalanan. At para sa hain na mga handog pangkapayapaan ay dalawang baka, limang lalaking tupa, limang kambing na lalaki, at limang korderong lalaki na isang taong gulang. Ito ang alay ni Ahira na anak ni Enan. Ito ang handog para sa pagtatalaga ng dambana nang araw na ito'y buhusan ng langis ng mga pinuno sa Israel: labindalawang pinggang pilak, labindalawang mangkok na yari sa pilak, labindalawang sandok na ginto, na bawat pinggang yari sa pilak ay isandaan at tatlumpung siklo ang bigat, at bawat mangkok ay pitumpu. Lahat ng pilak ng mga sisidlan ay dalawang libo at apatnaraang siklo, ayon sa siklo ng santuwaryo, ang labindalawang sandok na yari sa ginto, puno ng insenso na ang bigat ay sampung siklo bawat isa, ayon sa siklo ng santuwaryo; lahat ng ginto ng mga sandok ay isandaan at dalawampung siklo. Lahat ng mga baka na handog na sinusunog ay labindalawang toro, ang mga lalaking tupa ay labindalawa, ang mga korderong lalaki na isang taon ay labindalawa, at ang mga handog na harina niyon; at ang mga kambing na lalaki na handog pangkasalanan ay labindalawa. Lahat ng mga baka na mga handog pangkapayapaan ay dalawampu't apat na toro, ang mga lalaking tupa ay animnapu, ang mga kambing na lalaki ay animnapu, ang mga korderong lalaki na isang taon ay animnapu. Ito ang alay para sa pagtatalaga sa dambana pagkatapos na mabuhusan ito ng langis. Nang si Moises ay pumasok sa toldang tipanan upang makipag-usap sa PANGINOON, narinig niya ang tinig na nagsasalita sa kanya mula sa itaas ng trono ng awa na nasa ibabaw ng kaban ng patotoo, na nasa gitna ng dalawang kerubin; gayon ito nagsalita sa kanya. Nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Sabihin mo kay Aaron, 'Kapag sinindihan mo ang mga ilaw ay magbibigay liwanag ang pitong ilaw sa harap ng ilawan.'" At gayon ang ginawa ni Aaron. Kanyang sinindihan ang mga ilaw upang magliwanag sa harap ng ilawan, gaya ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. Ito ang pagkagawa ng ilawan, na yari sa gintong pinitpit; mula sa patungan niyon hanggang sa mga bulaklak niyon ay pinitpit ayon sa anyo na ipinakita ng PANGINOON kay Moises ay gayon niya ginawa ang ilawan. Nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Kunin mo ang mga Levita sa gitna ng mga anak ni Israel at linisin mo sila. At ganito ang gagawin mo sa kanila, upang maging malinis sila. Iwisik mo sa kanila ang tubig na panlinis ng kasalanan, ahitan nila ang buong katawan nila, labhan nila ang kanilang mga suot, at sa gayo'y lilinisan nila ang kanilang sarili. Kumuha sila ng isang batang toro at ng handog na butil niyon, na mainam na harina na hinaluan ng langis, at kukuha ka ng ibang batang toro na handog pangkasalanan. Ihaharap mo ang mga Levita sa harap ng toldang tipanan at titipunin mo ang buong sambayanan ng mga anak ni Israel. Ihaharap mo ang mga Levita sa harap ng PANGINOON. At ipapatong ng mga anak ni Israel ang kanilang mga kamay sa mga Levita. Ihahandog ni Aaron ang mga Levita sa harap ng PANGINOON bilang handog na iwinagayway sa mga anak ni Israel upang kanilang gawin ang paglilingkod sa PANGINOON. At ipapatong ng mga Levita ang kanilang mga kamay sa mga ulo ng mga batang toro at ihandog mo ang isa na handog pangkasalanan, at ang isa'y handog na sinusunog sa PANGINOON, upang itubos sa mga Levita. Patayuin mo ang mga Levita sa harap ni Aaron at ng kanyang mga anak, at ihahandog mo ang mga iyon bilang handog na iwinagayway sa PANGINOON. "Ganito mo ibubukod ang mga Levita mula sa mga anak ni Israel at ang mga Levita ay magiging akin. Pagkatapos nito ay papasok ang mga Levita, upang gawin ang paglilingkod sa toldang tipanan pagkatapos na malinisan mo sila bilang handog na iwinagayway. Sapagkat sila'y buong ibinigay sa akin mula sa mga anak ni Israel; kinuha ko silang kapalit ng lahat ng nagbubukas ng bahay-bata, ng mga panganay sa lahat ng mga Israelita. Sapagkat lahat ng mga panganay sa mga Israelita ay akin, maging tao o hayop. Nang araw na aking lipulin ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto ay aking itinalaga sila para sa akin. At aking kinuha ang mga Levita sa halip na ang lahat ng mga panganay sa mga Israelita. Aking ibinigay ang mga Levita na kaloob kay Aaron at sa kanyang mga anak mula sa mga anak ni Israel upang gawin nila ang paglilingkod sa mga anak ni Israel sa toldang tipanan, upang ipantubos sa mga anak ni Israel, at nang huwag magkaroon ng salot sa mga anak ni Israel kapag ang mga anak ni Israel ay lumalapit sa santuwaryo." Ganito ang ginawa nina Moises, at Aaron, at ng buong sambayanan ng mga anak ni Israel sa mga Levita. Ayon sa lahat ng iniutos ng PANGINOON kay Moises tungkol sa mga Levita, ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel sa kanila. Ang mga Levita ay naglinis ng kanilang sarili sa kasalanan, at naglaba ng kanilang mga damit. Sila'y inihandog ni Aaron bilang handog na iwinagayway sa harap ng PANGINOON; at si Aaron ay gumawa ng pagtubos sa kanila upang linisin sila. At pagkatapos niyon ay pumasok ang mga Levita upang gawin ang kanilang paglilingkod sa toldang tipanan sa harap ni Aaron at ng kanyang mga anak. Kung paano ang iniutos ng PANGINOON kay Moises tungkol sa mga Levita ay gayon ang ginawa nila sa kanila. Nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Ito ang nauukol sa mga Levita: mula dalawampu't limang taong gulang pataas ay papasok upang gampanan ang gawaing paglilingkod sa toldang tipanan. Mula sa limampung taong gulang ay titigil sila sa katungkulan sa paglilingkod at hindi na sila maglilingkod. Ngunit sila'y maaaring tumulong sa kanilang mga kapatid sa toldang tipanan sa pagsasagawa ng kanilang mga katungkulan, ngunit sila'y walang gagawing paglilingkod. Gayon ang gagawin mo sa mga Levita tungkol sa kanilang mga katungkulan." Sinabi ng PANGINOON kay Moises sa ilang ng Sinai, sa unang buwan ng ikalawang taon pagkatapos na sila'y makaalis sa lupain ng Ehipto, "Ipangilin ng mga anak ni Israel ang paskuwa sa takdang panahon nito. Sa ikalabing-apat na araw ng buwang ito, sa paglubog ng araw ay inyong ipapangilin sa kanyang takdang panahon ayon sa lahat na tuntunin niyon at ayon sa lahat ng ayos niyon ay inyong ipapangilin." At si Moises ay nagsalita sa mga anak ni Israel upang ipangilin ang paskuwa. Kanilang ipinangilin ang paskuwa nang ikalabing-apat na araw ng unang buwan, sa paglubog ng araw, sa ilang ng Sinai. Ayon sa lahat ng iniutos ng PANGINOON kay Moises ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel. Mayroon ngang mga lalaki na marurumi dahil sa paghawak sa bangkay ng isang tao, na anupa't hindi nila naipangilin ang paskuwa nang araw na iyon; at humarap sila kina Moises at Aaron nang araw na iyon. At ang mga lalaking iyon ay nagsabi sa kanila, "Kami ay marurumi dahil sa paghawak sa bangkay ng isang tao. Bakit kami ay pipigilin sa pag-aalay ng handog sa PANGINOON sa kanyang takdang panahon na kasama ng mga anak ni Israel?" Sinabi ni Moises sa kanila, "Maghintay kayo upang aking marinig ang ipag-uutos ng PANGINOON tungkol sa inyo." Nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Sabihin mo sa mga anak ni Israel, kung ang sinumang tao sa inyo o sa inyong salinlahi ay maging marumi dahil sa paghawak sa isang bangkay, o nasa malayong paglalakbay ay kanyang. ipapangilin din ang paskuwa sa PANGINOON. Sa ikalabing-apat na araw ng ikalawang buwan, sa paglubog ng araw ay kanilang.ipapangilin; kanilang kakainin ito kasama ng mga tinapay na walang pampaalsa at mga gulay na mapait. Wala silang ititira sa mga iyon hanggang sa kinaumagahan, ni babali ng buto niyon, ayon sa labat ng tuntunin ng paskuwa ay kanilang ipapangilin iyon. Subalit ang lalaking malinis at wala sa paglalakbay na hindi mangingilin ng paskuwa ay ititiwalag sa kanyang bayan sapagkat siya'y hindi nag-alay ng handog sa PANGINOON sa takdang panahon, ang taong iyon ay mananagot sa kanyang kasalanan. Sinumang dayuhan na naninirahang kasama ninyo na nagnanais ipangilin ang paskuwa sa PANGINOON, ay gagawin niya iyon ayon sa tuntunin ng paskuwa at ayon sa batas. Kayo'y magkakaroon ng isang tuntunin para sa dayuhan at sa katutubo." Nang araw na ang tabernakulo ay itayo, tinakpan ng ulap ang tabernakulo, samakatuwid ay ang tabernakulo ng patotoo. Mula sa paglubog ng araw hanggang sa kinaumagahan, iyon ay nasa ibabaw ng tabernakulo na parang anyong apoy. Gayon ito nagpatuloy; iyon ay tinatakpan ng ulap kapag araw, at ang anyong apoy kapag gabi. Tuwing ang ulap ay pumapaitaas mula sa ibabaw ng tolda, naglalakbay ang mga anak ni Israel at sa dakong tigilan ng ulap ay doon tumitigil ang mga anak ni Israel. Sa utos ng PANGINOON ay naglalakbay ang mga anak ni Israel, at sa utos ng PANGINOON ay tumitigil sila. Kung gaano katagal ang itigil ng ulap sa ibabaw ng tabernakulo ay siya nilang itinitigil sa kampo. Kahit ang ulap ay tumigil sa ibabaw ng tabernakulo ng maraming araw, sinusunod ng mga anak ni Israel ang bilin ng PANGINOON at hindi sila naglalakbay. At kung minsan ay nananatili ng ilang araw sa ibabaw ng tabernakulo ang ulap; at ayon sa utos ng PANGINOON ay nananatili sila sa mga tolda, at ayon sa utos ng PANGINOON ay naglalakbay sila. Kung minsan ang ulap ay nananatili mula sa hapon hanggang sa kinaumagahan. Kapag ang ulap ay pumaitaas sa kinaumagahan ay naglalakbay sila. Maging araw o gabi kapag ang ulap ay pumaitaas ay naglalakbay sila. Maging dalawang araw o isang buwan, o mas mahabang panahon na nakatigil ang ulap sa ibabaw ng tabernakulo na nananatili doon, ay nananatili ang mga anak ni Israel sa mga tolda at hindi naglalakbay, subalit kapag pumaitaas ay naglalakbay sila. Sa utos ng PANGINOON ay nagkakampo sila, at sa utos ng PANGINOON ay naglalakbay sila. Kanilang sinunod ang bilin ng PANGINOON, ang utos ng PANGINOON sa pamamagitan ni Moises. Nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Gumawa ka ng dalawang trumpetang pilak; gagawin mo mula sa pinitpit na pilak at iyong gagamitin sa pagtawag sa kapulungan, at kapag kakalasin na ang mga tolda. At kapag hinipan na nila ito, ay magtitipon sa iyo ang buong kapulungan sa pintuan ng toldang tipanan. Ngunit kung isa lamang ang kanilang hihipan, kung gayon ang mga pinuno, ang mga puno ng mga lipi ng Israel ay magtitipon sa iyo. Paghihip ninyo ng hudyat ay susulong ang mga kampo na nasa dakong silangan. At kapag hinipan ninyo ang hudyat sa ikalawang pagkakataon, lulusong ang mga kampo na nasa dakong timog. Sila'y hihihip ng isang hudyat sa tuwing sila'y maglalakbay. Subalit kapag ang sambayanan ay magtitipon ay hihihip kayo, ngunit huwag kayong magpapatunog ng hudyat. Ang mga anak ni Aaron, ang mga pari, ang hihihip ng mga trumpeta; at ang trumpeta ay magiging walang hanggang tuntunin sa inyo sa buong panahon ng inyong mga salinlahi. Kapag makikipaglaban kayo sa inyong lupain laban sa kaaway na lumulupig sa inyo, inyo ngang patutunugin ang hudyat ng trumpeta; at kayo'y aalalahanin sa harap ng PANGINOON ninyong Diyos, at kayo'y maliligtas sa inyong mga kaaway. Pati sa mga araw ng inyong kagalakan, at sa inyong mga takdang kapistahan, at sa mga pasimula ng inyong mga buwan, ay inyong hihipan ang trumpeta sa ibabaw ng inyong mga handog na sinusunog, at sa ibabaw ng mga alay ng inyong mga handog pangkapayapaan; at sa inyo'y magiging alaala sa harap ng inyong Diyos. Ako ang PANGINOON ninyong Diyos." Nang ikalawang taon, nang ikadalawampung araw ng ikalawang buwan, ang ulap ay pumaitaas mula sa tabernakulo ng patotoo. At ang mga anak ni Israel ay nagsisulong, ayon sa mga yugto ng kanilang paglalakbay mula sa ilang ng Sinai; at ang ulap ay huminto sa ilang ng Paran. Kanilang pinasimulan ang kanilang paglalakbay ayon sa utos ng PANGINOON sa pamamagitan ni Moises. At unang sumulong ang watawat ng kampo ng mga anak ni Juda ayon sa kanilang mga pangkat; at nangunguna sa kanyang pangkat si Naashon na anak ni Aminadab. Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Isacar si Natanael na anak ni Suar. Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Zebulon si Eliab na anak ni Helon. Nang maibaba ang tabernakulo, lumakad na ang mga anak ni Gershon at ang mga anak ni Merari, na mga may dala ng tabernakulo. Ang watawat ng kampo ni Ruben ay sumulong ayon sa kanilang mga pangkat at nangunguna sa kanyang hukbo si Elisur na anak ni Sedeur. Nanguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Simeon si Selumiel na anak ni Zurishadai. Nanguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Gad, si Eliasaf na anak ni Deuel. Ang mga Kohatita ay sumulong na dala ang mga banal na bagay at itinayo ng iba ang tabernakulo bago sila dumating. Ang watawat ng kampo ng mga anak ni Efraim ay sumulong ayon sa kanilang mga pangkat at nangunguna sa kanyang hukbo si Elisama na anak ni Amihud. Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Manases, si Gamaliel na anak ni Pedasur. Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Benjamin, si Abidan na anak ni Gideoni. At ang watawat ng kampo ng mga anak ni Dan na siyang nasa hulihan ng lahat ng mga kampo ay lumakad ayon sa kanilang mga pangkat at nangunguna sa kanyang hukbo si Ahiezer na anak ni Amisadai. Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Aser si Pagiel na anak ni Ocran. Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Neftali si Ahira na anak ni Enan. Ganito ang mga paglalakbay ng mga anak ni Israel, ayon sa kanilang mga hukbo, nang sila'y sumulong. Sinabi ni Moises kay Hobab na anak ni Reuel na Midianita, biyenan ni Moises: "Kami ay naglalakbay patungo sa dakong sinabi ng PANGINOON, 'Aking ibibigay sa inyo.' Sumama ka sa amin at gagawan ka namin ng mabuti sapagkat ang PANGINOON ay nangako ng mabuti tungkol sa Israel." Ngunit sinabi niya sa kanya, "Ako'y hindi aalis; ako'y babalik sa aking sariling lupain at sa aking kamag-anak." At sinabi ni Moises, "Ipinapakiusap ko sa iyo na huwag mo kaming iwan, sapagkat nalalaman mo kung paanong magkakampo kami sa ilang, at ikaw ay magiging mata para sa amin. At kung ikaw ay sasama sa amin, anumang mabuting gagawin ng PANGINOON sa amin, ay siya rin naming gagawin sa iyo." Kaya't sila'y lumusong mula sa bundok ng PANGINOON ng tatlong araw na paglalakbay; at ang kaban ng tipan ng PANGINOON ay nasa unahan nila sa loob ng tatlong araw nilang paglalakbay, upang ihanap sila ng dakong kanilang mapagpapahingahan. Ang ulap ng PANGINOON ay nasa itaas nila kapag araw, tuwing sila'y susulong mula sa kampo. At kapag ang kaban ay isinulong na, sinasabi ni Moises, "Bumangon ka, O PANGINOON, at mangalat nawa ang mga kaaway mo, at tumakas sa harap mo ang napopoot sa iyo." At kapag nakalapag ay kanyang sinasabi, "Bumalik ka, O PANGINOON ng laksang libu-libong lsraelita." Ang bayan ay nagreklamo sa pandinig ng PANGINOON, at nang marinig ito ng PANGINOON ay nagningas ang kanyang galit, at ang apoy ng PANGINOON ay nagningas laban sa kanila, at tinupok ang gilid ng kampo. Ngunit ang bayan ay nagmakaawa kay Moises; at si Moises ay nanalangin sa PANGINOON at ang apoy ay namatay. Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Tabera, sapagkat ang apoy ng PANGINOON ay nagningas laban sa kanila. At ang nagkakagulong mga tao na nasa gitna nila ay nagkaroon ng matinding pananabik at ang mga anak ni Israel naman ay muling umiyak at nagsabi, "Sana'y mayroon tayong karneng makakain? Ating naaalala ang isda na ating kinakain na walang bayad sa Ehipto; ang mga pipino, mga milon, mga puero, mga sibuyas, at bawang. Ngunit ngayon ang ating lakas ay nanghihina; walang anuman sa ating harapan kundi ang mannang ito." Ang manna ay gaya ng butil ng kulantro at ang kulay niyon ay gaya ng kulay ng bedelio. Ang mga taong-bayan ay lumilibot at pinupulot iyon, at kanilang ginigiling sa mga gilingan o dinidikdik sa mga lusong, niluluto sa mga palayok, at ginagawa iyong mumunting tinapay. Ang lasa nito ay gaya ng lasa ng tinapay na niluto sa langis. Kapag ang hamog ay nahulog sa ibabaw ng kampo sa gabi, kasama nitong nahuhulog ang manna. Narinig ni Moises ang pag-iiyakan ng bayan sa kanilang sambahayan, na ang lahat ay nasa pintuan ng kanilang tolda. At ang PANGINOON ay galit na galit, at sumama ang loob ni Moises. Kaya't sinabi ni Moises sa PANGINOON, "Bakit mo ginawan ng masama ang iyong lingkod? Bakit hindi ako nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, na iyong iniatang sa akin ang pasanin ng buong bayang ito? Akin bang ipinaglihi ang buong bayang ito? Ipinanganak ko ba sila upang iyong sabihin sa akin, 'Kandungin mo sila sa iyong kandungan, na gaya ng nag-aalagang magulang na kinakalong ang kanyang anak na pasusuhin,' tungo sa lupain na iyong ipinangako sa kanilang mga ninuno? Saan ako kukuha ng karne upang ibigay sa buong bayang ito? Sapagkat sila'y umiyak sa akin, na nagsasabi, 'Bigyan mo kami ng karneng makakain namin.' Hindi ko kayang dalhing mag-isa ang buong bayang ito, sapagkat ang pasanin ay napakabigat para sa akin. Kung ganito ang pakikitungong gagawin mo sa akin ay patayin mo na ako. Kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, huwag mo nang ipakita sa akin ang aking paghihirap." Kaya't sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Magtipon ka para sa akin ng pitumpung lalaki sa matatanda sa Israel, na iyong nalalaman na matatanda sa bayan at mga nangunguna sa kanila; at dalhin mo sa toldang tipanan upang sila'y makatayo roon na kasama mo. Ako'y bababa at makikipag-usap sa iyo doon; at ako'y kukuha ng espiritu na nasa iyo at aking isasalin sa kanila. Kanilang dadalhin ang pasanin ng bayan na kasama mo, upang huwag mong dalhing mag-isa. At sabihin mo sa bayan: Italaga ninyo ang inyong sarili para bukas, at kayo'y kakain ng karne, sapagkat kayo'y nagsisiiyak sa pandinig ng PANGINOON, na sinasabi, 'Sinong magbibigay sa amin ng karne na aming makakain? Sapagkat mabuti pa noong nasa Ehipto kami.' Dahil dito bibigyan kayo ng PANGINOON ng karne at kakain kayo. Hindi ninyo kakainin nang isang araw lamang, ni dalawang araw, ni limang araw, ni sampung araw, ni dalawampung araw; kundi isang buong buwan, hanggang sa lumabas sa inyong mga ilong, at inyong pagsawaan; sapagkat inyong itinakuwil ang PANGINOON na nasa gitna ninyo, at kayo'y umiyak sa harap niya, na nagsasabi, 'Bakit pa kami umalis sa Ehipto?'" Ngunit sinabi ni Moises, "Ang bayang kasama ko ay animnaraang libong katao, at iyong sinabi, Akin silang bibigyan ng karne na kanilang makakain sa buong buwan.' Kakatayin ba kaya ang mga kawan at mga bakahan upang magkasiya sa kanila? O ang lahat ng isda sa dagat ay huhulihin sa kanila upang magkasiya sa kanila?" Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Umikli na ba ang kamay ng PANGINOON? Ngayo'y makikita mo kung ang aking salita ay matutupad sa iyo o hindi." Kaya't si Moises ay lumabas, at sinabi sa bayan ang mga salita ng PANGINOON. Siya'y nagtipon ng pitumpung lalaki sa matatanda sa bayan at kanyang pinatayo sa palibot ng tolda. At ang PANGINOON ay bumaba sa ulap at nagsalita sa kanya; at kumuha sa espiritung nasa kanya at isinalin sa pitumpung matatanda at nangyari, na nang bumaba sa kanila ang espiritu ay nagpropesiya sila. Ngunit hindi na nila iyon ginawa muli. Ngunit naiwan ang dalawang lalaki sa kampo; ang pangalan ng isa ay Eldad at ang isa ay Medad at ang espiritu ay bumaba sa kanila. Sila'y kabilang sa nakatala, ngunit hindi lumabas sa tolda kaya't sila'y nagpropesiya sa kampo. Tumakbo ang isang binata at nagsabi kay Moises, "Sina Eldad at Medad ay nagsalita ng propesiya sa kampo." Si Josue na anak ni Nun, na lingkod ni Moises, na isa sa kanyang mga piling lalaki ay sumagot, 'Aking panginoong Moises, pagbawalan mo sila!" Ngunit sinabi ni Moises sa kanya, "Ikaw ba'y naninibugho para sa akin? Mangyari nawa na ang buong bayan ng PANGINOON ay maging propeta na ilagay sa kanila ng PANGINOON ang kanyang espiritu!" At bumalik sa kampo si Moises at ang matatanda sa Israel. At lumabas ang isang hangin galing sa PANGINOON, at ito'y nagdala ng mga pugo mula sa dagat, at pinalapag sa kampo na may isang araw lakarin sa dakong ito, at isang araw lakarin sa kabilang dako sa palibot ng kampo, mga dalawang siko ang kapal sa ibabaw ng lupa. Ang bayan ay nakatindig sa buong araw na iyon at sa buong gabi, at sa buong ikalawang araw, at nanghuli ng mga pugo. Yaong kaunti ang natipon ay nakatipon ng sampung omer at kanilang ikinalat para sa kanila sa buong palibot ng kampo. Ngunit samantalang ang karne ay nasa kanilang mga ngipin pa bago ito naubos ay nagningas ang galit ng PANGINOON laban sa bayan at pinatay ng PANGINOON ang mga tao ng matinding salot. Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Kibrot-hataava, sapagkat doon nila inilibing ang bayang nagkaroon ng masidhing pananabik. Mula sa Kibrot-hataava ay naglakbay ang bayan patungo sa Haserot; at sila'y namalagi sa Haserot. Sina Miriam at Aaron ay nagsalita laban kay Moises dahil sa babaing Cusita na kanyang napangasawa (sapagkat talagang nag-asawa siya ng isang babaing Cusita). At kanilang sinabi, "Ang PANGINOON ba'y nagsasalita sa pamamagitan lamang ni Moises? Hindi ba nagsalita rin naman siya sa pamamagitan natin?" At narinig ito ng PANGINOON. Ang lalaki ngang si Moises ay napakaamo, higit kaysa lahat ng lalaki sa ibabaw ng lupa. At sinabi agad ng PANGINOON kina Moises, Aaron at Miriam, "Lumabas kayong tatlo patungo sa toldang tipanan." At silang tatlo ay lumabas. Ang PANGINOON ay bumaba sa isang haliging ulap, at tumayo sa pintuan ng tolda, at tinawag sina Aaron at Miriam at sila'y kapwa lumapit. At kanyang sinabi, "Pakinggan ninyo ngayon ang aking mga salita. Kung mayroon sa gitna ninyo na isang propeta, akong PANGINOON ay magpapakilala sa kanya sa pangitain, at kakausapin ko siya sa panaginip. Ang aking lingkod na si Moises ay hindi gayon; ipinagkatiwala ko sa kanya ang aking buong sambahayan. Sa kanya'y nakikipag-usap ako nang harapan, nang maliwanag, at hindi sa malabong salitaan; at ang anyo ng PANGINOON ay kanyang nakikita. Bakit hindi kayo natakot na magsalita laban sa aking lingkod na si Moises?" Ang galit ng PANGINOON ay nag-alab laban sa kanila; at siya'y umalis. Nang ang ulap ay lumayo sa tolda, si Miriam ay naging ketongin na kasimputi ng niyebe. Tiningnan ni Aaron si Miriam, at nakita na ito'y ketongin. At sinabi ni Aaron kay Moises, "O panginoon ko, huwag mo kaming parusahan, sapagkat gumawa kaming may kahangalan, at kami ay nagkasala. Huwag mong itulot sa kanya, isinasamo ko sa iyo, na maging parang isang patay na naagnas ang kalahati ng kanyang laman paglabas sa tiyan ng kanyang ina." At tumawag si Moises sa PANGINOON, "Pagalingin mo siya, O Diyos, ipinapakiusap ko sa iyo." Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Kung siya'y niluraan ng kanyang ama sa kanyang mukha, hindi ba niya dadalhin ang kanyang kahihiyan nang pitong araw? Kulungin siyang pitong araw sa labas ng kampo, at pagkatapos ay madadala siyang muli sa loob." Si Miriam ay pitong araw na kinulong sa labas ng kampo at ang bayan ay hindi umalis upang maglakbay hanggang si Miriam ay nadalang muli sa loob. Pagkatapos nito ay naglakbay ang bayan mula sa Haserot, at nagkampo sa ilang ng Paran. At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Magsugo kang mga lalaki upang lihim na siyasatin ang lupain ng Canaan, na aking ibibigay sa mga anak ni Israel. Isang lalaki sa bawat isa sa mga lipi ng kanilang mga ninuno ay susuguin ninyo, na bawat isa'y pinuno sa kanila." Kaya't sinugo sila ni Moises mula sa ilang ng Paran ayon sa utos ng PANGINOON. Silang lahat ay mga lalaking pinuno sa mga anak ni Israel. At ito ang kanilang mga pangalan: mula sa lipi ni Ruben ay si Samua na anak ni Zacur; mula sa lipi ni Simeon ay si Shafat na anak ni Hori; mula sa lipi ni Juda ay si Caleb na anak ni Jefone; mula sa lipi ni Isacar ay si Igal na anak ni Jose; mula sa lipi ni Efraim ay si Hosheas na anak ni Nun; mula sa lipi ni Benjamin ay si Palti na anak ni Rafu; mula sa lipi ni Zebulon ay si Gadiel na anak ni Sodi; mula sa lipi ni Jose, samakatuwid ay sa lipi ni Manases ay si Gaddi na anak ni Susi; mula sa lipi ni Dan ay si Amiel na anak ni Gemalli; mula sa lipi ni Aseray si Sethur, na anak ni Micael; mula sa lipi ni Neftali ay si Nahabi na anak ni Vapsi; mula sa lipi ni Gad ay si Geuel na anak ni Maci. Ito ang mga pangalan ng mga lalaki na isinugo ni Moises upang lihim na siyasatin ang lupain. At tinawag ni Moises na Josue si Hosheas na anak ni Nun. Isinugo sila ni Moises upang lihim na siyasatin ang lupain ng Canaan at sinabi sa kanila, "Umakyat kayo sa Negeb at umakyat kayo sa mga kaburulan. Tingnan ninyo kung ano ang lupain, at ang mga taong naninirahan doon, kung sila'y malakas o mahina, kung sila'y kaunti o marami; at kung ano ang lupain na kanilang tinatahanan, kung mabuti o masama; at kung ano ang mga lunsod na kanilang tinatahanan, kung sa mga kampo o sa mga may pader, at kung ang lupain ay mataba o payat, kung mayroong kahoy o wala. Magpakatapang kayo at magdala kayo rito ng mga bunga ng lupain." Ang panahong iyon ay panahon ng mga unang hinog na ubas. Kaya't sila'y umakyat, at kanilang lihim na siniyasat ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob, sa pagpasok sa Hamat. Sila'y umakyat sa Negeb, at sila'y nakarating sa Hebron; at si Ahiman, si Sesai at si Talmai, na mga anak ni Anak, ay naroon. (Ang Hebron ay itinayo pitong taon bago ang Zoan sa Ehipto). At sila'y dumating sa libis ng Escol, at sila'y pumutol doon ng isang sangang may isang kumpol na ubas, at dinala sa isang pingga ng dalawa sa kanila. Sila'y nagdala rin ng mga prutas na granada, at mga igos. Ang dakong iyon ay tinawag na libis ng Escol, dahil sa kumpol na pinutol ng mga anak ni Israel mula doon. At sila'y nagbalik pagkatapos na lihim na siyasatin ang lupain, sa katapusan ng apatnapung araw. Sila'y dumating kina Moises at Aaron at sa buong sambayanan ng mga anak ni Israel, sa ilang ng Paran, sa Kadesh; at kanilang dinalhan sila ng balita at ang buong sambayanan, at kanilang ipinakita sa kanila ang bunga ng lupain. Kanilang sinabi sa kanya, "Kami ay dumating sa lupaing iyon na kung saan ay sinugo mo kami, at tunay na iyon ay dinadaluyan ng gatas at pulot; at ito ang bunga niyon. Gayunman, ang mga tao na tumitira sa lupaing iyon ay malalakas, at ang mga bayan ay may pader at napakalalaki; at saka aming nakita roon ang mga anak ni Anak. Ang Amalekita ay naninirahan sa lupain ng Negeb, ang mga Heteo, ang mga Jebuseo, at ang mga Amoreo ay naninirahan sa mga bundok. Ang mga Cananeo ay naninirahan sa tabi ng dagat, at sa mga pampang ng Jordan." Ngunit pinatahimik ni Caleb ang bayan sa harapan ni Moises, at sinabi, "Ating akyatin agad at sakupin sapagkat kayang kaya nating lupigin iyon." Ngunit sinabi ng mga lalaking umakyat na kasama niya, "Hindi tayo makakaakyat laban sa mga taong iyon, sapagkat sila'y malalakas kaysa atin. Kaya't sila'y nagdala ng masamang balita tungkol sa lupaing kanilang siniyasat, sa mga anak ni Israel, na sinasabi, "Ang lupain na aming pinaroonan upang lihim na siyasatin ay isang lupain na nilalamon ang mga naninirahan doon; at lahat ng tao na aming nakita roon ay malalaking tao. At nakita namin doon ang mga Nefllim, ang mga anak ni Anak, na mula sa mga Nefilim; at kami sa aming sariling paningin ay naging parang mga tipaklong, at gayundin kami sa kanilang paningin." Kaya't ang buong kapulungan ay sumigaw nang malakas; at ang taong-bayan ay umiyak nang gabing iyon. At nagreklamo ang lahat ng mga anak ni Israel laban kina Moises at Aaron. Sinabi sa kanila ng buong sambayanan, "Namatay na sana tayo sa lupain ng Ehipto! O kaya'y namatay na sana tayo sa ilang na ito! Bakit kaya tayo dinala ng PANGINOON sa lupaing ito, upang tayo'y bumagsak sa tabak? Ang ating mga asawa at ang ating mga anak ay magiging biktima. Hindi ba mas mabuti para sa atin na tayo'y magbalik sa Ehipto?" Kaya't sinabi nila sa isa't isa, "Maglagay tayo ng isang pinuno at tayo'y magbalik sa Ehipto." Nang magkagayon, sina Moises at Aaron ay nagpatirapa sa harap ng buong kapulungan ng bayan ng mga anak ni Israel. Si Josue na anak ni Nun, at si Caleb na anak ni Jefone, na mga kasama ng mga nagsiyasat nang lihim sa lupain, ay pinunit ang kanilang mga damit. At sinabi nila sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, "Ang lupain na aming pinuntahan upang lihim na siyasatin ay isang napakagandang lupain. Kung kalulugdan tayo ng PANGINOON ay dadalhin nga niya tayo sa lupaing iyon, at ibibigay niya sa atin; isang lupain na dinadaluyan ng gatas at pulot. Huwag lamang kayong maghimagsik laban sa PANGINOON ni matakot sa mga tao ng lupaing iyon, sapagkat sila'y para lamang tinapay sa atin; ang kanyang kalinga ay inalis sa kanila, at ang PANGINOON ay kasama natin; huwag kayong matakot sa kanila." Subalit pinagbantaan sila ng buong sambayanan na babatuhin sila ng mga bato. At ang kaluwalhatian ng PANGINOON ay lumitaw sa toldang tipanan sa lahat ng mga anak ni Israel. At sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Hanggang kailan ako hahamakin ng bayang ito? At hanggang kailan sila hindi maniniwala sa akin, sa kabila ng mga tanda na aking ginawa sa kanila? Hahampasin ko sila ng salot, at tatanggalan ko sila ng mana at gagawin kitang isang bansang mas malaki at mas matibay kaysa kanila." Ngunit sinabi ni Moises sa PANGINOON, "Kung gayo'y mababalitaan ito ng mga taga-Ehipto, sapagkat dinala mo ang bayang ito ng iyong kapangyarihan mula sa kanila; at kanilang sasabihin sa mga naninirahan sa lupaing ko. Kanilang nabalitaan na ikaw PANGINOON ay nasa gitna ng bayang ito, sapagkat ikaw PANGINOON ay nagpakita nang mukhaan, at ang iyong ulap ay nakatindig sa ibabaw ng mga iyon, at ikaw ay nangunguna sa kanila, sa isang haliging ulap sa araw, at sa isang haliging apoy sa gabi. Kung papatayin mo ang bayang ito na parang isang tao, magsasalita nga ang mga bansang nakarinig ng iyong katanyagan at kanilang sasabihin, 'Sapagkat hindi kayang dalhin ng PANGINOON ang bayang ito sa lupain na kanyang ipinangakong ibibigay sa kanila, kaya't kanyang pinaslang sila sa ilang.' At ngayon, idinadalangin ko sa iyo, hayaan mong ang kapangyarihan ng PANGINOON ay maging dakila, ayon sa iyong ipinangako, Ang PANGINOON ay mabagal sa pagkagalit at sagana sa tapat na pag-ibig, na nagpapatawad ng kasamaan at ng pagsuway, ngunit kailanman ay hindi pinapawalang-sala ang may sala, na dinadalaw ang kasamaan ng mga magulang sa mga anak sa ikatlo at sa ikaapat na salinlahi. Hinihiling ko sa iyo, patawarin mo, ang kasamaan ng bayang ito ayon sa kadakilaan ng iyong tapat na pag-ibig, at ayon sa iyong pagpapatawad sa bayang ito, mula sa Ehipto hanggang ngayon." At sinabi ng PANGINOON, "Ako'y nagpatawad ayon sa iyong salita; gayunman, na kung paanong ako'y buhay at kung paanong mapupuno ng kaluwalhatian ng PANGINOON ang buong lupa, wala sa mga taong iyon na nakakita ng aking kaluwalhatian at ng aking mga tanda na aking ginawa sa Ehipto at sa ilang, ngunit tinukso pa rin ako nitong makasampung ulit, at hindi dininig ang aking tinig, ang makakakita sa lupain na aking ipinangako sa kanilang mga ninuno, at walang sinuman sa kanila na humamak sa akin ang makakakita nito. Ngunit ang aking lingkod na si Caleb, sapagkat siya'y nagtaglay ng ibang espiritu at sumunod nang lubos sa akin, ay dadalhin ko sa lupain na kanyang pinaroonan; at aariin ng kanyang mga binhi. Ngayon, sapagkat ang mga Amalekita at ang mga Cananeo ay naninirahan sa libis, bumalik kayo bukas at kayo'y maglakbay sa daang patungo sa Dagat na Pula." At nagsalita ang PANGINOON kina Moises at Aaron, na sinasabi, "Hanggang kailan magrereklamo laban sa akin ang masamang kapulungang ito? Aking narinig ang mga reklamo ng mga anak ni Israel na kanilang sinasabi laban sa akin. Sabihin mo sa kanila, Ako'y buhay, sabi ng PANGINOON, kung ano ang sinabi ninyo sa aking pandinig ay gayon ang gagawin ko sa inyo. Ang inyong mga bangkay ay mabubuwal sa ilang na ito; at ang lahat na nabilang sa inyo ayon sa inyong kabuuang bilang, mula sa dalawampung taong gulang pataas na nagreklamo laban sa akin, ay hindi papasok sa lupaing aking ipinangako na patitirahan ko sa inyo, maliban kay Caleb na anak ni Jefone at kay Josue na anak ni Nun. Ngunit ang inyong mga bata, na inyong sinabing magiging mga biktima ay aking papapasukin, at kanilang makikilala ang lupain na inyong itinakuwil. Ngunit tungkol sa inyo, ang inyong mga bangkay ay mabubuwal sa ilang na ito. At ang inyong mga anak ay magiging palaboy sa ilang na apatnapung taon, at magdurusa dahil sa kawalan ninyo ng pananampalataya, hanggang sa ang huli sa inyong mga bangkay ay humandusay sa ilang. Ayon sa bilang ng mga araw na inyong lihim na ipinagsiyasat sa lupain, samakatuwid ay apatnapung araw, sa bawat araw ay.isang taon, inyong pananagutan ang inyong mga kasamaan, nang apatnapung taon, at inyong makikilala ang aking sama ng loob! Akong PANGINOON ang nagsalita, tunay na ito'y aking gagawin sa buong masamang kapulungang ito, na nagtitipon laban sa akin. Sa ilang na ito, sila'y magwawakas, at dito sila mamamatay.'" Ang mga lalaki na sinugo ni Moises upang lihim na magsiyasat sa lupain, na bumalik at naging dahilan upang magreklamo ang buong kapulungan laban sa kanya dahil sa paghahatid ng masamang balita laban sa lupain, samakatuwid ay ang mga taong naghatid ng masamang balita tungkol sa lupain ay namatay sa salot sa harap ng PANGINOON. Ngunit si Josue na anak ni Nun, at si Caleb na anak ni Jefone ay naiwang buhay sa mga taong iyon na pumaroon upang lihim na siyasatin ang lupain. At sinabi ni Moises ang mga salitang ito sa lahat ng mga anak ni Israel at ang bayan ay lubhang nanangis. Kinaumagahan, sila'y maagang bumangon at umakyat sa taluktok ng bundok, na sinasabi, "Narito kami, at kami ay aakyat sa dakong ipinangako ng PANGINOON, sapagkat kami ay nagkasala." Ngunit sinabi ni Moises, "Bakit sinusuway ninyo ngayon ang utos ng PANGINOON? Iyan ay hindi magtatagumpay. Huwag kayong umahon baka kayo'y masaktan sa harap ng mga kaaway, sapagkat ang PANGINOON ay hindi ninyo kasama. Sapagkat naroon ang mga Amalekita at ang mga Cananeo sa harap ninyo, at kayo'y babagsak sa tabak, sapagkat kayo'y tumalikod sa pagsunod sa PANGINOON, kaya't ang PANGINOON ay hindi ninyo makakasama." Ngunit sila'y nagpumilit umakyat sa taluktok ng bundok; gayunman ang kaban ng tipan ng PANGINOON at si Moises ay hindi lumabas sa kampo. Nang magkagayon ang mga Amalekita at ang mga Cananeo na naninirahan sa bundok na iyon ay bumaba, nilupig sila at hinabol hanggang sa Horma. Nagsalita ang PANGINOON kay Moises na sinasabi: "Sabihin mo sa mga anak ni Israel, 'Pagpasok ninyo sa lupain na inyong titirahan na ibibigay ko sa inyo, at maghahandog kayo sa PANGINOON ng handog na pinaraan sa apoy mula sa bakahan o sa mga kawan, o ng hain upang tumupad ng panata, o ng kusang loob na handog, o sa inyong mga takdang kapistahan, upang gawing mabangong samyo sa PANGINOON, kung gayon ang sinumang mag-aalay ng kanyang handog ay mag-alay sa PANGINOON ng isang handog na butil, na ikasampung bahagi ng isang efa ng piling harina na hinaluan ng ikaapat na bahagi ng isang hin ng langis; at ng alak na handog na inumin, na ikaapat na bahagi ng isang hin. ang iyong ihahanda na kasama ng handog na sinusunog, o ng alay sa bawat kordero. O kung isang lalaking tupa, ang iyong ihahanda para sa handog na butil ay dalawang ikasampung bahagi ng isang efa ng piling harina na hinaluan ng ikatlong bahagi ng isang hin ng langis. At bilang handog na inumin ay iyong ihahandog ang ikatlong bahagi ng isang hin ng alak na mabangong samyo sa PANGINOON. Kapag maghahanda ka ng isang toro bilang handog na sinusunog, o bilang alay upang tuparin ang isang panata, o bilang handog pangkapayapaan sa PANGINOON, ay iyong ihahandog nga na kasama ng toro ang isang handog na butil na tatlong ikasampung bahagi ng isang efa ng piling harina na hinaluan ng kalahating hin ng langis. At ang iyong iaalay na handog na inumin ay kalahating hin ng alak na handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo sa PANGINOON. Gayon ang gagawin sa bawat toro, bawat tupang lalaki, bawat korderong lalaki, o sa mga anak ng kambing. Ayon sa bilang ng inyong ihahanda, ay gayon ninyo gagawin sa bawat isa ayon sa kanilang bilang. Lahat ng katutubo sa lupain ay gagawa ng mga bagay na ito sa ganitong paraan, sa paghahandog ng handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo sa PANGINOON. At kung ang isang dayuhan ay nakikipamayan kasama ninyo, o sinumang kasama ninyo sa buong panahon ng inyong mga salinlahi, at maghahandog ng handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo sa PANGINOON ay kanyang gagawin ang gaya ng inyong ginagawa. Sa kapulungan ay magkakaroon ng isang tuntunin sa inyo, at sa dayuhang nakikipamayang kasama ninyo, isang tuntunin magpakailanman sa buong panahon ng inyong mga salinlahi. Kung paano kayo ay magiging gayundin ang dayuhan sa harap ng PANGINOON. Magkakaroon sa inyo at sa dayuhan na nakikipamayan sa inyo ng isang kautusan at isang batas. At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Sabihin mo sa mga anak ni Israel, 'Pagpasok ninyo sa lupaing aking pagdadalhan sa inyo, ay maghahandog kayo ng isang alay sa PANGINOON tuwing kakain kayo ng tinapay ng lupain. Sa pinakauna sa inyong masang harina ay maghahandog kayo ng isang munting tinapay bilang isang handog. Kung paano ninyo ginagawa ang handog na mula sa giikan, ay gayon ninyo ihahandog ito. Sa pinakauna sa inyong masang harina ay magbibigay kayo sa PANGINOON ng isang handog sa buong panahon ng inyong mga salinlahi. Ngunit kapag kayo'y nagkamali at hindi ninyo tinupad ang lahat ng utos na ito, na sinabi ng PANGINOON kay Moises, samakatuwid ay lahat ng iniutos ng PANGINOON sa inyo sa pamamagitan ni Moises, mula sa araw na binigyan kayo ng PANGINOON ng utos at mula noon, sa buong panahon ng inyong mga salinlahi; ay mangyayari na kung iyon ay ginawa nang hindi sinasadya, at hindi nalalaman ng kapulungan, ang buong kapulungan ay maghahandog ng isang batang toro na handog na sinusunog, na mabangong samyo sa PANGINOON, kasama ng handog na butil niyon at handog na inumin niyon, ayon sa batas at isang lalaking kambing na handog pangkasalanan. Tutubusin ng pari ang buong kapulungan ng mga anak ni Israel, at sila'y patatawarin. Iyon ay hindi sinasadya at sila'y nagdala ng kanilang alay na handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy, at ang kanilang handog pangkasalanan sa harap ng PANGINOON, dahil sa kanilang pagkakamali. Ang buong sambayanan ng mga anak ni Israel ay patatawarin at ang dayuhan na nakikipamayan sa kanila, sapagkat ang buong bayan ay kasama sa pagkakamali. "Kung ang isang tao ay nagkasala nang hindi sinasadya, ay maghahandog nga siya ng isang kambing na babae na isang taong gulang na handog pangkasalanan. At tutubusin ng pari ang taong nagkamali sa harap ng PANGINOON, kung tunay na siya'y nagkasala nang hindi sinasadya upang tubusin siya at siya'y patatawarin. Kayo'y magkakaroon ng isang batas sa kanya na nagkasala nang hindi sinasadya, sa kanya na katutubo sa bayan ng Israel, at sa dayuhan na nakikipamayan sa kanila. Ngunit ang tao na makagawa ng anuman nang buong kapusukan, maging katutubo sa lupain o dayuhan ay lumalapastangan sa PANGINOON at ang taong iyon ay ititiwalag sa gitna ng kanyang bayan. Sapagkat kanyang hinamak ang salita ng PANGINOON, at sinira ang kanyang utos; ang taong iyon ay lubos na ititiwalag. Ang kanyang kasamaan ay tataglayin niya. Samantalang ang mga anak ni Israel ay nasa ilang, nakakita sila ng isang lalaking namumulot ng kahoy sa araw ng Sabbath. Ang mga nakakita sa taong namumulot ng kahoy, ay dinala siya kina Moises at Aaron, at sa buong kapulungan. Kanilang inilagay siya sa kulungan, sapagkat hindi pa ipinahahayag kung ano ang gagawin sa kanya. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Ang lalaki ay tiyak na papatayin; babatuhin siya ng buong kapulungan sa labas ng kampo." Inilabas siya ng buong kapulungan sa kampo at siya'y kanilang pinagbabato hanggang sa mamatay, gaya ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Sabihin mo sa mga anak ni Israel na sila'y gumawa ng mga tirintas sa mga laylayan ng kanilang mga damit sa buong panahon ng kanilang mga salinlahi, at kanilang patungan ang tirintas ng bawat laylayan ng isang panaling asul. At sa inyo'y magiging isang tirintas upang inyong pagmasdan, at inyong maaalala ang lahat ng mga utos ng PANGINOON at gawin ang mga iyon, upang huwag kayong sumunod sa inyong sariling puso at sa inyong sariling mga mata, na sanhi ng inyong pakikiapid. Sa gayon, inyong maaalala at gawin ang lahat ng aking mga utos, at maging banal kayo sa inyong Diyos. Ako ang PANGINOON ninyong Diyos na naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto, upang maging inyong Diyos. Ako ang PANGINOON ninyong Diyos." Si Kora na anak ni Izar, na anak ni Kohat, na anak ni Levi, kasama sina Datan at Abiram na mga anak ni Eliab, at si On na anak ni Pelet, na mga anak ni Ruben, ay kumuha ng mga tao. Sila'y tumindig sa harap ni Moises, na kasama ng ilang mga anak ni Israel. Sila'y dalawandaan at limampung pinuno na mga lalaking kilala at pinili mula sa kapulungan. Sila'y nagtipon laban kina Moises at Aaron at sinabi nila sa kanila, "Sumusobra na kayo! Ang buong kapulungan ay banal, bawat isa sa kanila, at ang PANGINOON ay nasa gitna nila; bakit nga ninyo itinataas ang inyong sarili sa kapulungan ng PANGINOON?" Nang marinig ito ni Moises, siya ay nagpatirapa; at sinabi niya kay Kora at sa kanyang buong pangkat, "Sa kinaumagahan ay ipapakita ng PANGINOON kung sino ang kanya, at kung sino ang banal, at kung sino ang palalapitin niya sa kanya. Samakatuwid, ang piliin niya ay siyang kanyang palalapitin sa kanya. Gawin ninyo ito: Kumuha kayo ng mga suuban, si Kora at ang kanyang buong pangkat. Lagyan ninyo ng apoy at patungan ninyo ng insenso bukas sa harap ng PANGINOON at ang taong piliin ng PANGINOON ay siyang banal. Lumalabis na kayo, kayong mga anak ni Levi!" At sinabi ni Moises kay Kora, "Pakinggan ninyo ngayon, kayong mga anak ni Levi! Minamaliit pa ba ninyo na kayo'y ibinukod ng Diyos ng Israel sa sambayanan ng Israel, upang ilapit niya kayo sa kanya, upang gawin ninyo ang paglilingkod sa tabernakulo ng PANGINOON, at upang kayo'y tumayo sa harap ng kapulungan na mangasiwa sa kanila? At inilapit ka niya at ang lahat ng iyong mga kapatid na mga anak ni Levi, at inyong hinahangad pa ang pagkapari? Kaya't ikaw at ang iyong buong pangkat ay nagtitipon laban sa PANGINOON; sino si Aaron, na nagrereklamo kayo laban sa kanya? At ipinatawag ni Moises sina Datan at Abiram na mga anak ni Eliab; ngunit kanilang sinabi, "Hindi kami pupunta!" Maliit na bagay pa ba na kami ay iyong pinaalis sa isang lupain na dinadaluyan ng gatas at pulot, upang kami ay patayin sa ilang at gawin mo pa ang iyong sarili na aming pinuno? Bukod dito'y hindi mo kami dinala sa isang lupain na dinadaluyan ng gatas at pulot, ni binigyan mo kami ng manang bukid at mga ubasan. Dudukitin mo ba pati ang mga mata ng mga taong ito? Hindi kami pupunta!" At si Moises ay galit na galit, at sinabi sa PANGINOON, "Huwag mong igalang ang kanilang handog. Hindi ako kumuha ng isang asno sa kanila, ni gumawa ng masama sa kanino man sa kanila." At sinabi ni Moises kay Kora, "Humarap ka bukas at ang iyong buong pangkat sa PANGINOON, ikaw, sila, at si Aaron. Kumuha ang bawat isa ng kanyang suuban, at lagyan ninyo ng insenso, at dalhin ninyo sa harap ng PANGINOON, na bawat isa'y magdala ng kanyang suuban, na dalawandaan at limampung suuban; ikaw naman at si Aaron, bawat isa sa inyo'y may kanyang suuban." Kaya't kinuha ng bawat isa ang kanyang suuban, at kanilang nilagyan ng apoy at kanilang pinatungan ng insenso at sila'y tumayo sa pintuan ng toldang tipanan na kasama nina Moises at Aaron. At tinipon ni Kora ang buong kapulungan laban sa kanila sa pintuan ng toldang tipanan, at ang kaluwalhatian ng PANGINOON ay nagpakita sa buong kapulungan. Nagsalita ang PANGINOON kay Moises at kay Aaron, na sinasabi, "Humiwalay kayo sa kapulungang ito, upang malipol ko sila sa isang iglap." Sila'y nagpatirapa, at nagsabi, "O Diyos, na Diyos ng mga espiritu ng lahat ng laman, sa pagkakasala ba ng isang tao ay magagalit ka sa buong kapulungan?" Nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Sabihin mo sa kapulungan, 'Lumayo kayo sa palibot ng tirahan nina Kora, Datan at Abiram.'" At si Moises ay tumayo at pumaroon kina Datan at Abiram; at ang matatanda sa Israel ay sumunod sa kanya. Sinabi ni Moises sa kapulungan, "Lumayo kayo, isinasamo ko sa inyo, sa mga tolda ng masasamang taong ito, at huwag ninyong hawakan ang anumang bagay na kanila, baka kayo'y mamatay kasama ng lahat nilang kasalanan." Kaya't lumayo sila sa tolda nina Kora, Datan at Abiram. Sina Datan at Abiram ay lumabas at tumayo sa pintuan ng kanilang mga tolda kasama ng kanilang mga asawa, mga anak, at mga bata. At sinabi ni Moises, "Dito ninyo makikilala na ako'y sinugo ng PANGINOON na gawin ang lahat ng mga gawang ito, at ito'y hindi ko sariling kagustuhan. Kung ang mga taong ito ay mamatay sa karaniwang kamatayan ng lahat ng tao, o dumating sa kanila ang likas na kapalaran ng lahat ng tao, hindi nga ako sinugo ng PANGINOON. Ngunit kung ang PANGINOON ay lumikha ng isang bagong bagay, at ibuka ng lupa ang kanyang bibig at sila'y lamunin, kasama ng lahat ng nauukol sa kanila, at sila'y buhay na ibaba sa Sheol, inyo ngang malalaman na hinamak ng mga taong ito ang PANGINOON." Nangyari nga, pagkatapos na masabi niya ang lahat ng salitang ito, ang lupa na nasa ilalim nila ay nahati. At ibinuka ng lupa ang kanyang bibig at nilamon sila, at ang kanilang mga sambahayan, at ang lahat ng lalaki na kabilang kay Kora, at lahat ng kanilang ari-arian. Anupa't sila at lahat ng kabilang sa kanila ay buhay na bumaba sa Sheol at sila'y pinagsarhan ng lupa, at sila'y nalipol mula sa sambayanan. Ang buong Israel na nasa palibot nila ay tumakas sa sigawan nila; sapagkat kanilang sinabi, "Baka pati tayo'y lamunin ng lupa!" May apoy na lumabas mula sa PANGINOON, at nilamon ang dalawandaan at limampung lalaki na naghandog ng insenso. Nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Sabihin mo kay Eleazar na anak ng paring si Aaron, na kanyang kunin ang mga suuban mula sa sunog, at magkalat ng apoy doon; sapagkat mga banal iyon; pati ang mga suuban ng mga makasalanang ito laban sa kanilang sariling buhay, at gawin mo ang mga ito na mga pinitpit na pantakip sa dambana, sapagkat kanilang inihandog sa harap ng PANGINOON, kaya't banal ang mga ito. Sa gayon, magiging isang tanda ito sa mga anak ni Israel." Kaya't kinuha ng paring si Eleazar ang mga tansong suuban na inihandog ng mga nasunog; at kanilang pinitpit bilang pantakip sa dambana, upang maging alaala sa mga anak ni Israel, upang sinumang ibang tao na hindi pari, na hindi mga anak ni Aaron ay huwag lumapit upang magsunog ng insenso sa harap ng PANGINOON at nang huwag maging tulad ni Kora at ng kanyang mga kasama; gaya ng sinabi ng PANGINOON kay Eleazar sa pamamagitan ni Moises. Subalit kinabukasan ay nagreklamo ang buong kapulungan ng mga anak ni Israel kina Moises at Aaron, na sinasabi, "Pinatay ninyo ang bayan ng PANGINOON." At nang magtipon ang kapulungan laban kina Moises at Aaron, sila'y tumingin sa dako ng toldang tipanan; at nakita nilang tinakpan iyon ng ulap at ang kaluwalhatian ng PANGINOON ay lumitaw. At sina Moises at Aaron ay pumunta sa harapan ng toldang tipanan. Nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Lumayo kayo sa gitna ng kapulungang ito, upang aking lipulin sila sa isang iglap." At sila'y nagpatirapa. At sinabi ni Moises kay Aaron, "Kunin mo ang iyong suuban, at lagyan mo ng apoy mula sa dambana at patungan ng insenso, at dalhin mo agad sa kapulungan, at tubusin mo sila sapagkat ang poot ay lumabas mula sa PANGINOON, ang salot ay nagpapasimula na. Kinuha iyon ni Aaron gaya ng sinabi ni Moises, at siya'y tumakbo sa gitna ng kapulungan na doon ang salot ay nagpasimula na sa gitna ng bayan at siya'y naglagay ng insenso at itinubos para sa bayan. Siya'y tumayo sa gitna ng mga patay at ng mga buhay at ang salot ay tumigil. Ang namatay sa salot ay labing-apat na libo at pitong daan, bukod pa sa mga namatay dahil sa nangyari kay Kora. Nang ang salot ay tumigil, si Aaron ay bumalik kay Moises sa pintuan ng toldang tipanan. Nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Magsalita ka sa mga anak ni Israel, at kumuha ka sa kanila ng mga tungkod, isa sa bawat sambahayan ng mga ninuno; sa lahat nilang mga pinuno ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, labindalawang tungkod: isulat mo ang pangalan ng bawat isa sa kanyang tungkod. Isusulat mo ang pangalan ni Aaron sa tungkod ni Levi, sapagkat magkakaroon ng isa lamang tungkod para sa bawat pinuno sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno. Ilagay mo ang mga ito sa toldang tipanan sa harap ng patotoo, kung saan ako nakikipagtagpo sa inyo. Mamumulaklak ang tungkod ng lalaking aking pipiliin, at patitigilin ko ang mga pagrereklamo ng mga anak ni Israel, na kanilang inerereklamo laban sa inyo. Si Moises ay nagsalita sa mga anak ni Israel, at ang lahat ng kanilang mga pinuno ay nagbigay sa kanya ng tungkod, isa sa bawat pinuno ayon sa mga sambayanan ng kanilang mga ninuno, labindalawang tungkod, at ang tungkod ni Aaron ay nasa kalagitnaan ng kanilang mga tungkod. Inilagayni Moises ang mga tungkod sa harap ng PANGINOON sa tolda ng patotoo. Kinabukasan, nang si Moises ay pumasok sa tolda ng patotoo; ang tungkod ni Aaron sa sambahayan ni Levi ay namulaklak at nagkaroon ng mga hinog na almendras. Mula sa harap ng PANGINOON ay inilabas ni Moises ang lahat ng tungkod sa harap ng lahat ng mga anak ni Israel at kanilang pinagmasdan. Kinuha ng bawat lalaki ang kanyang tungkod. At sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Ibalik mo ang tungkod ni Aaron sa harap ng patotoo, upang ingatan bilang tanda laban sa mga mapaghimagsik; at nang iyong wakasan ang kanilang mga pagrereklamo laban sa akin, upang hindi sila mamatay." Gayon ang ginawa ni Moises; kung paanong iniutos ng PANGINOON sa kanya ay gayon niya ginawa. Sinabi ng mga anak ni Israel kay Moises, "Narito, kami ay patay, kami ay napahamak, kaming lahat ay napahamak." Lahat ng lumalapit sa tabernakulo ng PANGINOON ay mamamatay. Kami bang lahat ay malilipol?" Sinabi ng PANGINOON kay Aaron, "Ikaw at ang iyong mga anak at ang sambahayan ng iyong mga magulang na kasama mo ay magpapasan ng kasalanan ukol sa santuwaryo, at ikaw at ang iyong mga anak na kasama mo ay magpapasan ng kasalanan ng inyong pagiging pari. Isama mo rin ang iyong mga kapatid mula sa lipi ni Levi, na lipi ng iyong ama upang sila'y makasama mo at maglingkod sa iyo samantalang ikaw at ang iyong mga anak na kasama mo ay nasa harap ng tolda ng patotoo. Sila'y maglilingkod para sa iyo at para sa buong tolda. Huwag lamang silang lalapit sa mga kasangkapan ng santuwaryo, ni sa dambana, upang hindi sila mamatay, maging kayo man. Sila'y makikisamasa iyo, at maglilingkod sa toldang tipanan, sa buong paglilingkod sa tolda at walang sinumang ibang dapat lumapit sa iyo. Gampanan ninyo ang mga gawain sa santuwaryo, at ang gawain sa dambana upang huwag nang magkaroon pa ng kapootan sa mga anak ni Israel. Ako ang pumili sa inyong mga kapatid na mga Levita sa gitna ng mga anak ni Israel. Sila ay isang kaloob sa inyo, na ibinigay sa PANGINOON, upang gawin ang paglilingkod sa toldang tipanan. At gagampanan mo at ng iyong mga anak na kasama mo ang inyong gawain bilang pari sa bawat bagay ng dambana at doon sa nasa loob ng tabing at kayo'y maglilingkod. Ibinibigay ko sa inyo ang pagiging pari bilang kaloob at ang sinumang ibang lumapit ay papatayin." Sinabi ng PANGINOON kay Aaron, "Ako'y narito, ibinigay ko sa iyo ang katungkulan sa mga handog na para sa akin, lahat ng mga banal na bagay ng mga anak ni Israel. Ibinigay ko sa iyo ang mga ito bilang bahagi; at sa iyong mga anak bilang marapat na bahagi ninyo magpakailanman. Ito'y magiging iyo sa mga pinakabanal na bagay, na hindi pinaraan sa apoy: bawat alay nila, bawat handog na butil at bawat handog pangkasalanan, at bawat handog nila para sa may salang budhi na kanilang ihahandog sa akin ay magiging pinakabanal sa iyo at sa iyong mga anak. Gaya ng mga kabanal-banalang bagay ay kakain ka ng mga iyan: bawat lalaki ay kakain niyon; iyon ay banal na bagay para sa iyo. Ito ay iyo rin, ang handog na iwinagayway na kanilang kaloob, samakatuwid ay ang lahat ng mga handog na iwinagayway ng mga anak ni Israel; ibinigay ko ang mga ito sa iyo, at sa iyong mga anak na lalaki at babae na kasama mo bilang walang hanggang bahagi magpakailanman. Bawat malinis sa iyong bahay ay kakain niyon. Lahat ng pinakamabuting langis, at lahat ng pinakamabuting alak at trigo, ang mga unang bunga ng mga iyon na kanilang ibibigay sa PANGINOON ay ibibigay ko sa iyo. Ang mga unang hinog na bunga ng lahat na nasa kanilang lupain, na kanilang dinadala sa PANGINOON ay magiging iyo; bawat malinis sa iyong bahay ay kakain niyon. Lahat ng mga bagay na nakatalaga sa Israel ay magiging iyo. Lahat ng mga bagay na nagbubukas ng bahay-bata, sa lahat ng laman na kanilang inihahandog sa PANGINOON, sa mga tao at gayundin sa mga hayop, ay magiging iyo. Gayunman, ang panganay sa tao ay tunay na iyong tutubusin, at ang panganay sa maruruming hayop ay iyong tutubusin. At ang halaga ng pantubos sa kanila, mula sa isang buwang gulang ay iyong tutubusin, ayon sa halaga ng limang siklong pilak, ayon sa siklo ng santuwaryo (na dalawampung gera). Ngunit ang panganay ng baka, o ang panganay ng tupa, o ang panganay ng kambing ay huwag mong tutubusin; banal ang mga iyon. Iyong iwiwisik ang kanilang dugo sa ibabaw ng dambana, at iyong susunugin ang kanilang taba bilang handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo para sa PANGINOON. Ngunit ang laman nila ay magiging iyo, gaya ng dibdib na iwinagayway at gaya ng kanang hita ay magiging iyo. Lahat ng banal na handog na ihahandog ng mga anak ni Israel sa PANGINOON ay aking ibinigay sa iyo, at sa iyong mga anak na lalaki at babae na walang hanggang bahagi. Iyon ay tipan ng asin magpakailanman sa harap ng PANGINOON para sa iyo at sa iyong binhi na kasama mo." Sinabi ng PANGINOON kay Aaron, "Hindi ka magkakaroon ng mana sa kanilang lupain, ni magkakaroon ka ng anumang bahagi sa gitna nila. Ako ang iyong bahagi at ang iyong mana sa gitna ng mga anak ni Israel. Sa mga anak ni Levi, narito, aking ibinigay ang lahat ng ikasampung bahagi sa Israel bilang mana, na ganti sa kanilang paglilingkod na kanilang ipinaglilingkod, samakatuwid ay sa paglilingkod sa toldang tipanan. Mula ngayon ay huwag lalapit ang mga anak ni Israel sa toldang tipanan, baka silay magtaglay ng kasalanan, at mamatay. Ngunit gagawin ng mga Levita ang paglilingkod sa toldang tipanan at kanilang papasanin ang kanilang kasamaan; ito'y magiging tuntunin magpakailanman sa buong panahon ng inyong mga salinlahi, at sa gitna ng mga anak ni Israel ay hindi sila magkakaroon ng mana. Sapagkat ang ikapu ng mga anak ni Israel na kanilang ihahandog bilang handog sa PANGINOON ay aking ibinigay sa mga Levita bilang mana. Kaya't aking sinabi sa kanila, 'Sa gitna ng mga anak ni Israel ay hindi sila magkakaroon ng mana.'" At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Bukod dito'y sasabihin mo sa mga Levita, "Pagkuha ninyo sa mga anak ni Israel ng ikasampung bahagi na aking ibinigay sa inyo mula sa kanila bilang inyong mana, ay inyong ihahandog bilang handog na ibinigay sa PANGINOON, ang ikasampung bahagi ng ikasampung bahagi. Ang inyong mga handog ay ibibilang sa inyo na parang trigo ng giikan at ng kasaganaan ng pisaan ng ubas. Ganito rin kayo maghahandog ng handog sa PANGINOON sa inyong buong ikasampung bahagi, na inyong tinatanggap sa mga anak hi Israel; at ganito ninyo ibibigay sa paring si Aaron ang handog sa PANGINOON.' Sa lahat ng inyong natanggap na kaloob ay inyong ihahandog ang bawat handog na ukol sa PANGINOON, ang lahat ng pinakamabuti sa mga iyon, samakatuwid ay ang banal na bahagi niyon. Kaya't iyong sasabihin sa kanila, "Kapag inyong naialay na ang pinakamabuti sa handog, ang nalabi ay ibibilang sa mga Levita, na parang bunga ng giikan at parang pakinabang sa pisaan ng ubas. Maaari ninyong kainin saanmang lugar, kayo at ang inyong mga kasambahay sapagkat ito'y inyong gantimpala dahil sa inyong paglilingkod sa toldang tipanan. At hindi kayo magtataglay ng kasalanan dahil dito, kapag naialay na ninyo ang pinakamabuti sa mga iyon at huwag ninyong lalapastanganin ang mga banal na bagay ng mga anak ni Israel, upang huwag kayong mamatay." Ang PANGJNOON ay nagsalita kina Moises at Aaron, na sinasabi: "Ito ang tuntunin ng kautusan na iniutos ng PANGINOON, 'Sabihin mo sa mga anak ni Israel, na sila'y magdala sa iyo ng isang mapulang dumalagang baka, na walang kapintasan, walang dungis, na hindi pa napapatungan ng pamatok. Ibibigay ninyo ito sa paring si Eleazar, at kanyang ilalabas sa kampo at papatayin sa kanyang harapan. Ang paring si Eleazar ay kukuha ng dugo sa pamamagitan ng kanyang daliri, at pitong ulit na magwiwisik ng dugo sa dakong harap ng toldang tipanan. At susunugin sa paningin niya ang dumalagang baka; ang balat nito at ang laman, ang dugo, at ang dumi nito ay susunugin. Ang pari ay kukuha ng kahoy na sedro, at ng isopo, at ng pulang tela, at ihahagis sa gitna ng pinagsusunugan sa dumalagang baka. Pagkatapos, lalabhan ng pari ang kanyang mga damit at kanyang paliliguan ang kanyang katawan sa tubig, at pagkatapos ay papasok siya sa kampo at ang pari ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw. Ang sumunog sa baka ay maglalaba ng kanyang damit sa tubig at kanyang huhugasan ang kanyang katawan sa tubig, at magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw. At titipunin ng isang taong malinis ang mga abo ng dumalagang baka at ilalagay sa labas ng kampo sa isang dakong malinis; at iingatan para sa kapulungan ng mga anak ni Israel bilang tubig para sa karumihan para sa pag-aalis ng kasalanan. Ang pumulot ng mga abo ng dumalagang baka ay maglalaba ng kanyang mga suot, at magiging marumi hanggang sa gabi; at sa mga anak ni Israel at sa dayuhan na nakikipamayan sa kanila ay magiging isang tuntunin magpakailanman. Ang humawak sa bangkay ng sinumang tao ay magiging marumi sa loob ng pitong araw. Siya ay maglilinis sa pamamagitan ng tubig na iyon sa ikatlong araw, at sa ikapitong araw ay magiging malinis, ngunit kung siya'y hindi maglinis sa ikatlong araw, hindi nga siya magiging malinis sa ikapitong araw. Sinumang humipo ng patay, na bangkay ng namatay at hindi maglilinis, ay dinudungisan ang tabernakulo ng PANGINOON; at ang taong iyon ay ititiwalag sa Israel, sapagkat ang tubig para sa karumihan ay hindi ibinuhos sa kanya; siya'y magiging marumi; ang kanyang karumihan ay nasa kanya pa. ito ang batas kapag ang isang tao ay namatay sa isang tolda. Lahat ng pumapasok sa tolda at lahat ng nasa tolda ay magiging marumi sa loob ng pitong araw. Bawat sisidlang bukas na walang takip na nakatali roon ay marumi sa loob. Sinumang nasa parang na humawak sa pinatay ng tabak, o sa bangkay, o sa buto ng tao, o sa libingan, ay magiging marumi sa loob ng pitong araw. Para sa taong marumi ay kukuha sila ng mga abo sa sinunog na handog pangkasalanan at kukuha ng tubig na umaagos at ilalagay sa isang sisidlan. Pagkatapos, ang malinis na tao ay kukuha ng isopo at itutubog sa tubig at iwiwisik sa tolda, sa lahat ng kasangkapan, sa mga taong naroon, sa humawak ng buto o ng bangkay ng patay, o ng libingan. Wiwisikan ng taong malinis ang taong marumi sa ikatlo at ikapitong araw; kaya't kanyang lilinisin siya sa ikapitong araw. Siya'y maglalaba ng kanyang mga kasuotan, maliligo sa tubig at magiging malinis sa paglubog ng araw. "Ngunit ang taong marumi at hindi maglilinis ay ititiwalag mula sa gitna ng kapulungan, sapagkat kanyang dinungisan ang santuwaryo ng PANGINOON, yamang ang tubig para sa karumihan ay hindi ibinuhos sa kanya, siya'y marumi. Ito'y magiging isang tuntunin magpakailanman sa kanila at ang nagwiwisik ng tubig para sa karumihan ay maglalaba ng kanyang mga suot; at yaong humawak ng tubig para sa karumihan ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw. Anumang hawakan ng taong marumi ay magiging marumi, at ang taong humawak niyon ay magiging marumi hanggang sa paglubog ng araw. Ang mga anak ni Israel, ang buong kapulungan, ay dumating sa ilang ng Zin nang unang buwan; at ang bayan ay nanatili sa Kadesh. Si Miriam ay namatay, at inilibing doon. At walang tubig na mainom ang kapulungan at sila'y nagpulong laban kina Moises at Aaron. Nakipag-away ang bayan kay Moises at nagsabi, "Sana ay namatay na kami nang mamatay ang aming mga kapatid sa harap ng PANGINOON! Bakit ninyo dinala ang kapulungan ng PANGINOON sa ilang na ito upang kami at ang aming mga hayop ay mamatay dito? At bakit ninyo kami pinaahon mula sa Ehipto upang dalhin kami sa masamang lugar na ito? Hindi ito lugar na bukirin, o ng igos, o ng ubasan, o ng mga granada; at dito'y walang tubig na mainom." Sina Moises at Aaron ay umalis sa harap ng kapulungan at nagtungo sa pintuan ng toldang tipanan at nagpatirapa. Ang kaluwalhatian ng PANGINOON ay nagpakita sa kanila. Nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Kunin mo ang tungkod at tipunin mo ang kapulungan, ikaw at ang kapatid mong si Aaron, at magsalita kayo sa bato sa harapan nila upang magbigay ito ng kanyang tubig. Sa gayon ka maglalabas ng tubig para sa kanila mula sa bato; gayon ka magbibigay ng inumin para sa kapulungan at sa kanilang mga hayop." At kinuha ni Moises ang tungkod sa harap ng PANGINOON, na gaya ng iniutos sa kanya. Tinipon nina Moises at Aaron ang kapulungan sa harap ng malaking bato, at kanyang sinabi sa kanila, "Makinig kayo ngayon, mga mapaghimagsik! Ikukuha ba namin kayo ng tubig sa malaking batong ito?" Itinaas ni Moises ang kanyang kamay at dalawang ulit na hinampas ng kanyang tungkod ang malaking bato at ang tubig ay lumabas na sagana, at uminom ang kapulungan at ang kanilang mga hayop. Sinabi ng PANGINOON kina Moises at Aaron, "Sapagkat hindi kayo sumampalataya sa akin upang ipakita ang aking kabanalan sa paningin ng mga anak ni Israel, kaya't hindi ninyo dadalhin ang kapulungang ito sa lupain na aking ibinigay sa kanila." Ito ang tubig ng Meriba; na kung saan nakipag-away ang mga anak ni Israel sa PANGINOON at ipinakita niya sa kanila na siya ay banal. Si Moises ay nagsugo sa mga hari sa Edom mula sa Kadesh, "Ganito, ang sabi ng iyong kapatid na Israel, Alam mo ang lahat ng kahirapan na dumating sa amin. Kung paanong ang aming mga ninuno ay pumunta sa Ehipto, at kami ay nanirahan sa Ehipto ng matagal na panahon at pinahirapan kami at ang aming mga ninuno ng mga Ehipcio. Nang kami ay dumaing sa PANGINOON ay pinakinggan niya ang aming tinig, at nagsugo siya ng isang anghel, at inilabas kami sa Ehipto. At ngayon, kami ay nasa Kadesh, na isang bayan na nasa dulo ng iyong nasasakupan. Ipinapakiusap ko sa iyo na paraanin mo kami sa iyong lupain. Hindi kami daraan sa kabukiran o sa ubasan, ni hindi kami iinom ng tubig sa mga balon. Kami ay daraan sa Daan ng Hari. Hindi kami liliko sa dakong kanan o sa kaliwa man hanggang sa makaraan kami sa iyong nasasakupan.'" Sinabi ni Edom sa kanya, "Huwag kang daraan sa aking lupain, baka salubungin kita ng tabak." At sinabi ng mga anak ni Israel sa kanya, "Kami ay aahon sa lansangan at kung kami at ang aming mga hayop ay iinom ng iyong tubig, ito ay babayaran ko. Pahintulutan mo lamang ako na makaraan. Wala ng iba pa." Ngunit kanyang sinabi, "Hindi ka makakaraan." Ang Edom ay lumabas laban sa kanya na may dalang maraming tao, at may malakas na hukbo. Ganito tumanggi ang Edom na paraanin ang Israel sa kanyang nasasakupan kaya't ang Israel ay lumayo sa kanya. Sila at ang buong kapulunganng mga Israelita ay naglakbay mula sa Kadesh at nakarating sa bundok ng Hor. At sinabi ng PANGINOON kina Moises at Aaron sa bundok ng Hor, sa hangganan ng lupain ng Edom, "Si Aaron ay ititipon sa kanyang bayan. Siya'y hindi papasok sa lupain na aking ibinigay sa mga anak ni Israel, sapagkat kayo'y naghimagsik laban sa aking utos sa tubig ng Meriba. Dalhin mo sina Aaron at Eleazar na kanyang anak sa bundok ng Hor. Hubaran mo si Aaron ng kanyang mga kasuotan at isuot mo kay Eleazar na kanyang anak at si Aaron ay ititipon sa kanyang bayan, at doon siya mamamatay." Ginawa ni Moises ang iniutos ng PANGINOON at sila'y umahon sa bundok ng Hor sa paningin ng buong kapulungan. Hinubaran ni Moises si Aaron ng kanyang mga kasuotan at isinuot kay Eleazar na kanyang anak. Namatay si Aaron doon sa tuktok ng bundok at sina Moises at Eleazar ay bumaba sa bundok. Nang makita ng buong kapulungan na si Aaron ay patay na, ang buong sambahayan ni Israel ay tumangis para kay Aaron sa loob ng tatlumpung araw. Nang mabalitaan ng Cananeo, na hari ng Arad, na naninirahan sa Negeb, na ang Israel ay daraan sa Atarim, nilabanan niya ang Israel at binihag ang iba sa kanila. Ang Israel ay gumawa ng sumpa sa PANGINOON at nagsabi, "Kung tunay na ibibigay mo ang bayang ito sa aking kamay, aking lubos na gigibain ang kanilang mga bayan." Pinakinggan ng PANGINOON ang tinig ng Israel at ibinigay sa kanila ang Cananeo. Kanilang lubos na nilipol sila at ang kanilang mga bayan. Kaya't ang ipinangalan sa dakong iyon ay Horma. Sila'y naglakbay mula sa bundok ng Hor patungo sa Dagat na Pula upang umikot sa lupain ng Edom; at ang damdamin ng mga tao ay nainip sadaan. Ang bayan ay nagsalita laban sa Diyos at laban kay Moises, "Bakit ninyo kami iniahon mula sa Ehipto, upang mamatay sa ilang? Sapagkat walang pagkain at walang tubig at ang kaluluwa namin ay nasusuya na sa walang kuwentang pagkaing ito." Pagkatapos, ang PANGINOON ay nagsugo ng mga makamandag na ahas sa mga taong-bayan, at tinuklaw ng mga ito ang mga tao, kaya't marami sa Israel ang namatay. Ang bayan ay pumunta kay Moises at nagsabi, "Kami ay nagkasala, sapagkat kami ay nagsalita laban sa PANGINOON at laban sa iyo. Idalangin mo sa PANGINOON, na kanyang alisin sa amin ang mga ahas. At idinalangin ni Moises ang bayan. At sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Gumawa ka ng isang makamandag na ahas at ipatong mo sa isang tikin, at bawat taong nakagat ay mabubuhay kapag tumingin doon." Kaya't si Moises ay gumawa ng isang ahas na tanso at ipinatong sa isang tikin, at kapag may nakagat ng ahas, at tumingin ang taong iyon sa ahas na tanso ay nabubuhay. Ang mga anak ni Israel ay naglakbay, at nagkampo sa Obot. Sila'y naglakbay mula sa Obot, at nagkampo sa Ije-abarim sa ilang na nasa tapat ng Moab, patungo sa dakong sinisikatan ng araw. Mula roon ay naglakbay sila, at nagkampo sa libis ng Zared. Mula roon ay naglakbay sila, at nagkampo sa kabilang ibayo ng Arnon, na nasa ilang na humahantong sa hangganan ng mga Amoreo; sapagkat ang Arnon ay hangganan ng Moab, na nasa pagitan ng Moab at ng mga Amoreo. Kaya't sinasabi sa aklat ng Mga Pakikipaglaban ng PANGINOON, Ang Waheb sa Sufa, at ang mga libis ng Arnon, at ang tagiliran ng mga libis na hanggang sa dakong tahanan ng Ar, at humihilig sa hangganan ng Moab. At mula roon ay nagpatuloy sila patungo sa Beer, na siyang balon kung saan sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Tipunin mo ang bayan at bibigyan ko sila ng tubig." Nang magkagayo'y inawit ng Israel ang awit na ito: "Bumukal ka, O balon; awitan ninyo siya! Ang balong hinukay ng mga pinuno, na pinalalim ng mga maharlika ng bayan, ng kanilang setro at mga tungkod." At mula sa ilang, sila'y nagpatuloy patungo sa Matana, mula sa Matana patungong Nahaliel; at mula sa Nahaliel patungong Bamot; mula sa Bamot patungo sa libis na nasa bukid ng Moab, sa tuktok ng Pisga, na pababa sa ilang. Pagkatapos, ang Israel ay nagpadala ng mga sugo kay Sihon, na hari ng mga Amoreo, na sinasabi, "Paraanin mo ako sa iyong lupain. Kami ay hindi liliko sa bukid o sa ubasan. Kami ay hindi iinom ng tubig mula sa mga balon; kami ay daraan sa Daan ng Hari hanggang sa makaraan kami sa iyong nasasakupan." Ngunit hindi pinahintulutan ni Sihon ang Israel na dumaan sa kanyang nasasakupan. Tinipon ni Sihon ang kanyang buong bayan, at lumabas sa ilang laban sa Israel at dumating sa Jahaz, at nilabanan ang Israel. Pinatay siya ng Israel sa talim ng tabak, at inangkin ang kanyang lupain mula sa Arnon hanggang Jaboc, hanggang sa mga anak ni Ammon; sapagkat ang hangganan ng mga anak ni Ammon ay matibay. At sinakop ng Israel ang lahat ng mga bayang ito. Ang Israel ay nanirahan sa lahat ng mga bayan ng mga Amoreo, sa Hesbon at sa lahat ng mga bayan niyon. Sapagkat ang Hesbon ay siyang bayan ni Sihon na hari ng mga Amoreo, na siyang nakipaglaban sa unang hari sa Moab, at sumakop ng buong lupain niyon sa kanyang kamay hanggang sa Arnon. Kaya't ang mga nagsasalita ng mga kawikaan ay nagsasabi, "Halina kayo sa Hesbon, itayo at itatag ang lunsod ni Sihon. Sapagkat may isang apoy na lumabas sa Hesbon, isang liyab mula sa bayan ni Sihon. Tinupok nito ang Ar ng Moab, ang mga panginoon sa matataas na dako ng Arnon. Kahabag-habag ka, Moab! Ikaw ay napahamak, O bayan ni Cemos! Hinayaan niyang maging takas ang kanyang mga anak na lalaki, at ipinabihag ang kanyang mga anak na babae, kay Sihon na hari ng mga Amoreo. Aming pinana sila. Ang Hesbon ay namatay hanggang sa Dibon, at aming winasak hanggang Nora, na umaabot hanggang Medeba. Kaya't nanirahan ang Israel sa lupain ng mga Amoreo. Si Moises ay nagsugo upang tiktikan ang Jazer, at kanilang sinakop ang mga bayan niyon at pinalayas nila ang mga Amoreo na naroroon. Sila'y lumiko at umahon sa daan ng Basan. Si Og na hari sa Basan ay lumabas laban sa kanila, siya at ang buong bayan niya, upang makipaglaban sa Edrei. Ngunit sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Huwag mo siyang katakutan, sapagkat ibinigay ko siya sa iyong kamay, at ang buong bayan niya, at ang kanyang lupain, at iyong gagawin sa kanya ang gaya ng iyong ginawa kay Sihon na hari ng mga Amoreo, na naninirahan sa Hesbon." Gayon nila pinatay siya at ang kanyang mga anak, at ang buong bayan niya hanggang sa walang natira sa kanya, at kanilang inangkin ang kanyang lupain. Ang mga anak ni Israel ay naglakbay at nagkampo sa mga kapatagan ng Moab sa kabila ng Jordan sa Jerico. Nakita ni Balak na anak ni Zipor ang lahat ng ginawa ng Israel sa mga Amoreo. Ang Moab ay takot na takot sa taong-bayan, sapagkat sila'y marami. Ang Moab ay nanghina sa takot dahil sa mga anak ni Israel. At sinabi ng Moab sa matatanda sa Midian, "Ngayon ay hihimurin ng karamihang ito ang lahat na nasa palibot natin, gaya ng baka na humihimod sa damo sa parang." Kaya't si Balak na anak ni Zipor, na hari ng Moab ng panahong iyon ay nagpadala ng mga sugo kay Balaam na anak ni Beor, hanggang sa Petor na nasa tabi ng ilog, hanggang sa lupain ng mga anak ng kanyang bayan, upang tawagin siya, at sabihin, "May isang bayan na lumabas mula sa Ehipto, sila'y nakakalat sa ibabaw ng lupa, at sila'y naninirahan sa tapat ko. Pumarito ka ngayon, isinasamo ko sa iyo, at sumpain mo ang bayang ito para sa akin; sapagkat sila'y totoong makapangyarihan para sa akin. Baka sakaling ako'y manalo at aming matalo sila, at mapalayas ko sila sa lupain, sapagkat alam ko na ang iyong pinagpala ay nagiging pinagpala at ang iyong sinusumpa ay isusumpa." Ang matatanda ng Moab at Midian ay pumaroon na dala sa kanilang kamay ang mga upa para sa panghuhula; at sila'y dumating kay Balaam at sinabi nila sa kanya ang mga sinabi ni Balak. Kanyang sinabi sa kanila, "Dito na kayo tumuloy ngayong gabi at ibibigay ko sa inyo ang kasagutan, kung ano ang sasabihin ng PANGINOON sa akin." Kaya't ang mga pinuno ng Moab ay tumuloy na kasama ni Balaam. At ang Diyos ay pumunta kay Balaam at nagtanong, "Sino ang mga taong ito na kasama mo?" Sinabi ni Balaam sa Diyos, "Si Balak na anak ni Zipor, hari ng Moab ay nagpasugo sa akin na sinasabi, "Tingnan mo! Ang bayan na lumabas sa Ehipto ay nangalat sa ibabaw ng lupa. Ngayo'y pumarito ka, sumpain mo sila para sa akin. Baka sakaling malalabanan ko sila at sila'y aking mapalayas." Sinabi ng Diyos kay Balaam, "Huwag kang paroroon na kasama nila. Huwag mong susumpain ang bayan, sapagkat sila'y pinagpala." Kinaumagahan, si Balaam ay bumangon at sinabi sa mga pinuno ni Balak, "Umuwi na kayo sa inyong lupain, sapagkat ang PANGINOON ay tumanggi na ako'y sumama sa inyo." Kaya't ang mga pinuno ng Moab ay tumindig at sila'y pumunta kay Balak at nagsabi, "Si Balaam ay tumangging pumarito na kasama namin." Si Balak ay muling nagsugo ng marami pang pinuno at lalong higit na marangal kaysa kanila. Sila'y pumunta kay Balaam at nagsabi sa kanya, "Ganito ang sabi ni Balak na anak ni Zipor, 'Ipinapakiusap ko sa iyo na huwag mong hayaang may makahadlang sa iyong pagparito sa akin. Sapagkat ikaw ay aking bibigyan ng malaking karangalan, at anumang sabihin mo sa akin ay gagawin ko. Ipinapakiusap ko na pumarito ka at sumpain mo para sa akin ang bayang ito.'" Ngunit si Balaam ay sumagot sa mga lingkod ni Balak, "Kahit ibigay sa akin ni Balak ang kanyang bahay na puno ng pilak at ginto, hindi ako maaaring lumampas sa utos ng PANGINOON kong Diyos na ako'y gumawa ng kulang o higit. Manatili kayo rito, gaya ng iba, upang aking malaman kung ano pa ang sasabihin sa akin ng PANGINOON." Nang gabing iyon, ang Diyos ay dumating kay Balaam at sinabi sa kanya, "Kung ang mga taong iyan ay pumarito upang tawagin ka ay bumangon ka, sumama ka sa kanila. Ngunit ang salita lamang na sasabihin ko sa iyo ang siya mong gagawin." Kinaumagahan, si Balaam ay bumangon at inihanda ang kanyang asno, at sumama sa mga pinuno ng Moab. Ngunit ang galit ng Diyos ay nag-aalab sapagkat siya'y pumunta. Ang anghel ng PANGINOON ay tumayo sa daan bilang kalaban niya. Siya noon ay nakasakay sa kanyang asno at ang kanyang dalawang alipin ay kasama niya. Nakita ng asno ang anghel ng PANGINOON na nakatayo sa daan, hawak ang kanyang tabak at ang asno ay lumiko sa daan, at nagtungo sa parang. Pinalo ni Balaam ang asno upang ibalik siya sa daan. Nang magkagayo'y tumayo ang anghel ng PANGINOON sa isang makipot na daan sa pagitan ng mga ubasan na may bakod sa magkabilang panig. Nakita ng asno ang anghel ng PANGINOON at siya'y itinulak sa bakod at naipit ang paa ni Balaam sa bakod at kanyang pinalo uli ang asno. Pagkatapos, ang anghel ng PANGINOON ay nagpauna uli at tumayo sa isang makipot na dako na walang daang lilikuan maging sa kanan o sa kaliwa. Nang makita ng asno ang anghel ng PANGINOON, ito ay lumugmok sa ilalim ni Balaam. Ang galit ni Balaam ay nag-alab at kanyang pinalo ng tungkod ang asno. Ibinuka ng PANGINOON ang bibig ng asno at ito'y nagsabi kay Balaam, "Ano ang ginawa ko sa iyo upang ako'y paluin mo nang tatlong ulit?" Sinabi ni Balaam sa asno, "Sapagkat pinaglaruan mo ako. Kung mayroon lamang akong tabak sa aking kamay, sana'y pinatay na kita ngayon." At sinabi ng asno kay Balaam, "Di ba ako'y iyong asno na iyong sinakyan sa buong buhay mo hanggang sa araw na ito? Gumawa na ba ako kailanman ng ganito sa iyo?" At kanyang sinabi, "Hindi." Nang magkagayo'y iminulat ng PANGINOON ang mga mata ni Balaam, at kanyang nakita ang anghel ng PANGINOON na nakatayo sa daan, hawak ang kanyang tabak at kanyang iniyukod ang kanyang ulo at nagpatirapa. At sinabi sa kanya ng anghel ng PANGINOON, "Bakit mo pinalo ang iyong asno ng ganitong tatlong ulit? Narito, ako'y naparito bilang kalaban, sapagkat ang iyong lakad ay masama sa harap ko. Nakita ako ng asno at lumihis sa harap ko nang tatlong ulit. Kung hindi siya lumihis sa akin, napatay na sana kita ngayon, at hinayaan itong mabuhay." At sinabi ni Balaam sa anghel ng PANGINOON, "Ako'y nagkasala sapagkat hindi ko alam na ikaw ay nakatayo sa daan laban sa akin. Ngayon, kung inaakala mong masama ay babalik ako." At sinabi ng anghel ng PANGINOON kay Balaam, "Sumama ka sa mga lalaki ngunit ang salita lamang na aking sasabihin sa iyo ang siyang sasabihin mo." Kaya't sumama si Balaam sa mga pinuno ni Balak. Nang mabalitaan ni Balak na si Balaam ay dumarating, lumabas siya upang salubungin siya sa bayan ng Moab, na nasa hangganan ng Arnon, na siyang dulong bahagi ng hangganan. Sinabi ni Balak kay Balaam, "Di ba ikaw ay aking pinapuntahan upang tawagin? Bakit nga ba hindi ka naparito sa akin? Hindi ba kita kayang parangalan?" Sinabi ni Balaam kay Balak, "Ngayon, ako'y naparito sa iyo. Mayroon ba ako ngayong anumang kapangyarihan na makapagsalita ng anumang bagay? Ang salitang inilagay ng Diyos sa aking bibig ang aking sasabihin." At si Balaam ay sumama kay Balak at sila'y pumunta sa Kiryat-huzot. Naghandog si Balak ng mga baka at mga tupa at ipinadala kay Balaam at sa mga pinuno na kasama niya. Nangyari nga, kinaumagahan, isinama ni Balak si Balaam at dinala siya sa matataas na dako ni Baal, at nakita niya ang isang bahagi ng sambayanan. Sinabi ni Balaam kay Balak, "Ipagtayo mo ako rito ng pitong dambana, at ipaghanda mo ako ng pitong toro at pitong lalaking tupa." Ginawa nga ni Balak ang sinabi ni Balaam. Sina Balak at Balaam ay naghandog sa bawat dambana ng isang toro at isang lalaking tupa. Sinabi ni Balaam kay Balak, "Tumayo ka sa tabi ng iyong handog na sinusunog at ako'y aalis. Baka sakaling pumarito ang PANGINOON upang salubungin ako at anumang bagay na kanyang ipakita sa akin ay sasabihin ko sa iyo." Siya'y dumating sa isang dakong mataas na walang tanim. At sinalubong ng Diyos si Balaam at sinabi sa kanya, "Aking inihanda ang pitong dambana, at inihandog ang isang toro at isang lalaking tupa para sa bawat dambana." Nilagyan ng PANGINOON ng salita ang bibig ni Balaam at sinabi, "Bumalik ka kay Balak, at ganito ang iyong sasabihin." Siya'y bumalik kay Balak na nakatayo sa tabi ng kanyang handog na sinusunog kasama ang lahat ng mga pinuno ng Moab. At binigkas ni Balaam ang kanyang talinghaga, na sinasabi, "Mula sa Aram ay dinala ako rito ni Balak, na hari ng Moab, mula sa mga bundok ng silangan. Pumarito ka, sumpain mo para sa akin ang Jacob. Pumarito ka, laitin mo ang Israel. Paano ko susumpain ang hindi sinumpa ng Diyos? At paano ko lalaitin ang hindi nilait ng PANGINOON? Sapagkat mula sa tuktok ng mga bundok ay nakikita ko siya, at mula sa mga burol ay akin siyang natatanaw; narito, siya'y isang bayang naninirahang mag-isa, at hindi ibinibilang ang sarili sa gitna ng mga bansa. Sinong makakabilang ng mga alabok ng Jacob, o ng bilang ng ikaapat na bahagi ng Israel? Mamatay nawa ako ng kamatayan ng matuwid, at ang aking wakas ay maging tulad nawa ng sa kanya! At sinabi ni Balak kay Balaam, "Anong ginawa mo sa akin? Isinama kita upang sumpain mo ang aking mga kaaway, ngunit narito, wala kang ginawa kundi pagpalain sila." Siya'y sumagot, "Hindi ba nararapat na aking maingat na sabihin ang inilagay ng PANGINOON sa bibig ko?" Sinabi sa kanya ni Balak, "Ipinapakiusap ko sa iyo na sumama ka sa akin sa ibang lugar, kung saan mo sila makikita. Ang makikita mo lamang ay ang pinakamalapit sa kanila, at hindi mo sila makikitang lahat at sumpain mo sila para sa akin mula roon." Kaya't kanyang dinala siya sa parang ng Sofim, sa tuktok ng Pisga, at nagtayo roon ng pitong dambana, at naghandog ng isang toro at ng isang lalaking tupa sa bawat dambana. Kanyang sinabi kay Balak, "Tumayo ka rito sa tabi ng iyong handog na sinusunog, habang sinasalubong ko ang PANGINOON doon." At sinalubong ng PANGINOON si Balaam, at nilagyan ng salita ang kanyang bibig, at sinabi, "Bumalik ka kay Balak, at ganito ang iyong sasabihin." Nang siya'y dumating sa kanya, siya'y nakatayo sa tabi ng kanyang handog na sinusunog na kasama ang mga pinuno sa Moab. At sinabi sa kanya ni Balak, "Anong sinabi ng PANGINOON?" At binigkas ni Balaam ang kanyang talinghaga, na sinasabi, "Tumindig ka, Balak, at iyong pakinggan, makinig ka sa akin, ikaw na anak ni Zipor. Ang Diyos ay hindi tao, na magsisinungaling, ni anak ng tao na magsisisi. Sinabi ba niya at hindi niya gagawin? O sinalita ba niya at hindi niya tutuparin? Ako'y tumanggap ng utos na magbigay ng pagpapala: kanyang pinagpala, at hindi ko na mababago iyon. Wala siyang nakitang kasamaan sa Jacob, ni wala siyang nakitang kasamaan sa Israel. Ang PANGINOON nilang Diyos ay kasama nila, at ang sigaw ng hari ay nasa gitna nila. Ang Diyos ang naglalabas sa kanila sa Ehipto. Siya'y may lakas na gaya ng mabangis na toro. Tunay na walang engkanto laban sa Jacob, ni panghuhula laban sa Israel. Ngayo'y sasabihin tungkol sa Jacob at sa Israel, 'Anong ginawa ng Diyos!' Tingnan mo, ang bayan ay tumitindig na parang isang babaing leon, at parang isang leon na itinataas ang sarili. Siya'y hindi mahihiga hanggang sa makakain ng biktima at makainom ng dugo ng napatay." Sinabi ni Balak kay Balaam, "Huwag mo silang sumpain ni pagpalain." Ngunit si Balaam ay sumagot at nagsabi kay Balak, "Di ba sinabi ko sa iyo, 'Ang lahat na sinasalita ng PANGINOON ay siya kong nararapat gawin?'" Kaya't sinabi ni Balak kay Balaam, "Halika ngayon, isasama kita sa ibang lugar; marahil ay matutuwa ang Diyos na iyong sumpain sila para sa akin mula roon." At isinama ni Balak si Balaam sa tuktok ng Peor na nasa gawing itaas ng ilang. Sinabi ni Balaam kay Balak, "Ipagtayo mo ako rito ng pitong dambana, at ipaghanda mo ako rito ng pitong toro at pitong lalaking tupa." At ginawa ni Balak ang sinabi ni Balaam, at naghandog ng isang toro at isang lalaking tupa sa bawat dambana. Nang makita ni Balaam na ikinatuwa ng PANGINOON na pagpalain ang Israel, hindi siya pumunta na gaya nang una, upang maghanap ng tanda, kundi kanyang iniharap ang kanyang mukha sa dakong ilang. Itinaas ni Balaam ang kanyang paningin, at kanyang nakita ang Israel na nagkakampo ayon sa kanilang mga lipi; at ang Espiritu ng Diyos ay dumating sa kanya. At binigkas niya ang kanyang talinghaga, na sinasabi: "Ang sinabi ni Balaam na anak ni Beor, ang sinabi ng lalaking bukas ang mga mata, ang sabi niya na nakarinig ng mga salita ng Diyos, na nakakita ng pangitain ng Makapangyarihan sa lahat, na nakalugmok ngunit bukas ang mga mata. Napakaganda ng iyong mga tolda, O Jacob, ang iyong mga himpilan, O Israel! Gaya ng mga libis na abot hanggang sa malayo, gaya ng mga halamanan sa tabi ng ilog, gaya ng aloe na itinanim ng PANGINOON, gaya ng mga puno ng sedro sa tabi ng ilog. Ang tubig ay aagos mula sa kanyang pang-igib, at ang kanyang binhi ay matatatag sa maraming tubig, ang kanyang hari ay tataas ng higit kay Agag, at ang kanyang kaharian ay matatanyag. Ang Diyos ang naglalabas sa kanya sa Ehipto; may lakas na gaya ng mabangis na toro. Kanyang lalamunin ang mga bansa na kanyang mga kaaway, at kanyang babaliin ang kanilang mga buto, at papanain sila ng kanyang mga palaso. Siya'y yumuko, siya'y lumugmok na parang leon, at parang isang babaing leon, sinong gigising sa kanya? Pagpalain nawa ang lahat na nagpapala sa iyo, at sumpain ang lahat na sumusumpa sa iyo." Ang galit ni Balak ay nagningas laban kay Balaam. Isinuntok ni Balak ang kanyang mga kamay at sinabi kay Balaam, "Tinawag kita upang iyong sumpain ang aking mga kaaway, ngunit binasbasan mo sila nang tatlong ulit. Ngayon nga ay umalis ka patungo sa iyong lugar. Aking inisip na lubos kitang gantimpalaan ngunit pinigil ng PANGINOON ang iyong gantimpala." At sinabi ni Balaam kay Balak, "Di ba sinabi ko rin sa iyong mga sugo, kahit ibigay sa akin ni Balak ang kanyang bahay na puno ng pilak at ginto ay hindi ako maaaring lumampas sa salita ng PANGINOON na gumawa ng mabuti o masama sa aking sariling kalooban. Kung ano ang sabihin ng PANGINOON ay siya kong sasabihin? Ngayon, ako'y pupunta sa aking bayan. Pumarito ka at aking ipahahayag sa iyo ang gagawin ng bayang ito sa iyong bayan sa mga huling araw." At binigkas niya ang kanyang talinghaga, na sinasabi: "Ang sabi ni Balaam na anak ni Beor, ang sabi ng taong bukas ang mga mata, ang sabi niya, na nakarinig ng mga salita ng Diyos, at nakaalam ng karunungan ng Kataas-taasan, na siyang nakakita ng pangitain ng Makapangyarihan sa lahat, na nakalugmok ngunit bukas ang kanyang mga mata. Aking makikita siya, ngunit hindi ngayon; aking pagmamasdan siya, ngunit hindi sa malapit: Lalabas ang isang bituin sa Jacob, at may isang setro na lilitaw sa Israel, at dudurugin ang noo ng Moab, at lilipulin ang lahat ng mga anak ng kaguluhan. Ang Edom ay sasamsaman, ang Seir na kanyang mga kaaway ay sasamsaman rin, samantalang ang Israel ay nagpapakatapang. Sa pamamagitan ng Jacob ay magkakaroon ng kapamahalaan, at ang nalalabi sa bayan ay pupuksain." Pagkatapos siya'y tumingin sa Amalek, at binigkas ang kanyang talinghaga na sinasabi, "Ang Amalek ay siyang dating nangunguna sa mga bansa; ngunit sa huli siya ay mapupuksa." At tumingin siya sa Kineo, at binigkas ang kanyang talinghaga na sinasabi, "Matibay ang iyong tirahan, at ang iyong pugad ay nasa malaking bato; gayunma'y mawawasak ang Cain. Gaano katagal na bibihagin kang Ashur?" At siya'y nagsalita ng talinghaga, na sinasabi: "Sinong mabubuhay kapag ginawa ito ng Diyos? Ngunit ang mga barko ay manggagaling sa baybayin ng Kittim at kanilang pahihirapan ang Ashur at Eber, at siya man ay pupuksain." Pagkatapos, si Balaam ay tumindig at bumalik sa kanyang lugar; at si Balak ay umalis na rin. Samantalang ang Israel ay naninirahan sa Shittim,ang taong-bayan ay nagpasimulang makiapid sa mga anak na babae ng Moab. Sapagkat inanyayahan ng mga ito ang taong-bayan sa mga paghahandog sa kanilang mga diyos; at ang bayan ay kumain at yumukod sa mga diyos ng Moab. Ang Israel ay nakipag-isa sa Baal ng Peor; at ang galit ng PANGINOON ay nagningas laban sa Israel. Kaya't sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Isama mo ang lahat ng pinuno sa bayan at bitayin mo sila sa harap ng araw sa harap ng PANGINOON, upang ang matinding galit ng PANGINOON ay mapawi sa Israel. Sinabi ni Moises sa mga hukom sa Israel, "Patayin ng bawat isa sa inyo ang mga taong nakipag-isa sa Baal ng Peor." At dumating ang isa sa mga anak ni Israel at nagdala sa kanyang mga kapatid ng isang babaing Midianita sa paningin ni Moises at ng buong kapulungan ng mga anak ni Israel, habang sila'y umiiyak sa pintuan ng toldang tipanan. Nang makita ito ni Finehas, na anak ni Eleazar, na anak ng paring si Aaron, ay tumindig siya sa gitna ng kapulungan at hinawakan ang isang sibat. Pumunta siya sa likod ng lalaking Israelita sa loob ng tolda, at tinuhog silang pareho, ang lalaking Israelita at ang babae, tagos sa katawan nito. Sa gayon ang salot ay huminto sa mga anak ni Israel. Ang mga namatay sa salot ay dalawampu't apat na libo. At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Pinawi ni Finehas na anak ni Eleazar, na anak ng paring si Aaron, ang aking galit sa mga anak ni Israel, sa paraang siya'y nanibugho dahil sa aking paninibugho sa kanila, na anupa't hindi ko nilipol ang mga anak ni Israel sa aking paninibugho. Kaya't sabihin mo, narito, ibinibigay ko sa kanya ang aking tipan ng kapayapaan. At magiging kanya at sa binhing susunod sa kanya ang tipan ng walang hanggang pagkapari, sapagkat siya'y mapanibughuin para sa kanyang Diyos at ginawa ang pagtubos para sa mga anak ni Israel." Ang pangalan ng lalaking Israelita na napatay, na pinatay na kasama ng babaing Midianita ay Zimri na anak ni Salu, na pinuno sa isang sambahayan ng mga Simeonita. Ang pangalan ng babaing Midianita na napatay ay Cozbi, na anak ni Zur; siya'y pinuno sa bayan ng isang sambahayan ng mga sambayanan sa Midian. Nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Guluhin ninyo ang mga Midianita, at inyong daigin sila; sapagkat ginulo nila kayo ng kanilang mga pandaraya sa inyo sa nangyari sa Peor, at sa pangyayari kay Cozbi, na anak na babae ng pinuno sa Midian, na kanilang kapatid na namatay nang araw ng salot dahil sa pangyayari sa Peor. At nangyari, pagkatapos ng salot, nagsalita ang PANGINOON kay Moises at kay Eleazar na anak ng paring si Aaron, na sinasabi, "Bilangin mo ang buong kapulungan ng mga anak ni Israel mula sa dalawampung taong gulang pataas ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, ang lahat sa Israel na may kakayahang makipagdigma. Si Moises at ang paring si Eleazar ay nakipag-usap sa kanila sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico, na sinasabi, "Bilangin ninyo ang bayan, mula sa dalawampung taong gulang pataas; gaya nang iniutos ng PANGINOON kay Moises. Ang mga anak ni Israel na umalis sa lupain ng Ehipto ay mga ito: Si Ruben, ang panganay ni Israel. Ang mga anak ni Ruben: kay Hanoc, ang angkan ng mga Hanocitas; kay Fallu, ang angkan ng mga Falluita; kay Hesron, ang angkan ng mga Hesronita; kay Carmi, ang angkan ng mga Carmita. Ito ang mga angkan ng mga Rubenita at ang nabilang sa kanila ay apatnapu't tatlong libo at pitong daan at tarlumpu. Ang mga anak ni Fallu: si Eliab. Ang mga anak ni Eliab ay sina Nemuel, Datan, at Abiram. Ito ang Datan at Abiram na pinili mula sa kapulungan na siyang naghimagsik laban kay Moises at laban kay Aaron sa pangkat ni Kora nang sila'y naghimagsik laban sa PANGINOON. At ibinuka ng lupa ang kanyang bibig, at nilamon sila pati si Kora. Nang mamatay ang pangkat na iyon; noong panahong lamunin ng apoy ang dalawandaan at limampung tao, at sila'y naging isang babala. Gayunma'y hindi namatay ang mga anak ni Kora. Ang mga anak ni Simeon ayon sa kanilang mga angkan: kay Nemuel, ang angkan ng mga Nemuelita; kay Jamin, ang angkan ng mga Jaminita; kay Jakin, ang angkan ng mga Jakinita; kay Zera, ang angkan ng mga Zeraita; kay Shaul, ang angkan ng mga Shaulita. Ito ang mga angkan ng mga Simeonita, dalawampu't dalawang libo at dalawandaan. Ang mga anak ni Gad ayon sa kanilang mga angkan: kay Zefon, ang angkan ng mga Zefonita; kay Hagui, ang angkan ng mga Haguita; kay Suni, ang angkan ng mga Sunita; kay Ozni, ang angkan ng mga Oznita; kay Eri, ang angkan ng mga Erita; kay Arod, ang angkan ng mga Arodita; kay Areli, ang angkan ng mga Arelita. Ito ang mga angkan ng mga anak ni Gad ayon sa nabilang sa kanila, apatnapung libo at limang daan. Ang mga anak ni Juda ay sina Er at si Onan. Sina Er at Onan ay namatay sa lupain ng Canaan. Ang mga anak ni Juda ayon sa kanilang mga angkan: kay Shela, ang angkan ng mga Shelaita; kay Perez, ang angkan ng mga Perezita; kay Zera, ang angkan ng mga Zeraita. At ang mga naging anak ni Perez: kay Hesron, ang angkan ng mga Hesronita; kay Hamul, ang angkan ng mga Hamulita. Ito ang mga angkan ni Juda ayon sa nabilang sa kanila, pitumpu't anim na libo at limang daan. Ang mga anak ni Isacar ayon sa kanilang mga angkan: kay Tola, ang angkan ng mga Tolaita; kay Pua, ang angkan ng mga Puanita; kay Jasub, ang angkan ng mga Jasubita; kay Simron, ang angkan ng mga Simronita. Ito ang mga angkan ni Isacar ayon sa nabilang sa kanila, animnapu't apat na libo at tatlong daan. Ang mga anak ni Zebulon ayon sa kanilang mga angkan: kay Sered, ang angkan ng mga Seredita: kay Elon, ang angkan ng mga Elonita; kay Jalel, ang angkan ng mga Jalelita. Ito ang mga angkan ng mga Zebulonita ayon sa nabilang sa kanila, animnapung libo at limang daan. Ang mga anak ni Jose ayon sa kanilang mga angkan: sina Manases at Efraim. Ang mga anak ni Manases: kay Makir, ang angkan ng mga Makirita; at naging anak ni Makir si Gilead; kay Gilead, ang angkan ng mga Gileadita. Ito ang mga anak ni Gilead: kay Jezer, ang angkan ng mga Jezerita; kay Helec, ang angkan ng mga Helecita; kay Asriel, ang angkan ng mga Asrielita; kay Shekem, ang angkan ng mga Shekemita; kay Semida, ang angkan ng mga Semidaita; at kay Hefer, ang angkan ng mga Heferita. Si Zelofehad na anak ni Hefer ay hindi nagkaanak ng lalaki, kundi mga babae. Ang mga pangalan ng mga anak na babae ni Zelofehad ay Mahla, Noa, Hogla, Milca, at Tirsa. Ito ang mga angkan ni Manases, at ang nabilang sa kanila ay limampu at dalawang libo at pitong daan. Ito ang mga anak ni Efraim ayon sa kanilang mga angkan: kay Shutela, ang angkan ng mga Shutelaita; kay Beker, ang angkan ng mga Bekerita; kay Tahan, ang angkan ng mga Tahanita. Ito ang mga anak ni Shutela: kay Heran, ang angkan ng mga Heranita. Ito ang mga angkan ng mga anak ni Efraim ayon sa nabilang sa kanila, tatlumpu't dalawang libo at limang daan. Ito ang mga anak ni Jose, ayon sa kanilang mga angkan. Ang mga anak ni Benjamin ayon sa kanilang mga angkan: kay Bela, ang angkan ng mga Belaita; kay Asbel, ang angkan ng mga Asbelita; kay Ahiram, ang angkan ng mga Ahiramita; kay Sufam ang angkan ng mga Sufamita; kay Hufam, ang angkan ng mga Hufamita. Ang mga anak ni Bela ay sina Ard at Naaman. Mula kay Ard, ang angkan ng mga Ardita; kay Naaman, ang angkan ng mga Naamanita. Ito ang mga anak ni Benjamin ayon sa kanilang mga angkan; at ang nabilang sa kanila ay apatnapu't limang libo atanimnaraan. Ito ang mga anak ni Dan ayon sa kanilang mga angkan: kay Suham, ang angkan ng mga Suhamita. Ito ang mga angkan ni Dan ayon sa kanilang mga angkan. Lahat ng mga angkan ng mga Suhamita, ayon sa nabilang sa kanila, ay animnapu't apat na libo at apatnaraan. Ang anak ni Aser ayon sa kanilang mga angkan: kay Imna, ang angkan ng mga Imnaita; kay Isui, ang angkan ng mga Isuita, kay Beriah, ang angkan ng mga Beriaita. Sa mga anak ni Beriah: kay Eber, ang angkan ng mga Eberita; kay Malkiel ang angkan ng mga Malkielita. At ang pangalan ng anak na babae ni Aser ay Sera. Ito ang mga angkan ng mga anak ni Aser ayon sa nabilang sa kanila, limampu't tatlong libo at apatnaraan. Ang mga anak ni Neftali ayon sa kanilang mga angkan: kay Jahzeel ang angkan ng mga Jahzeelita; kay Guni, ang angkan ng mga Gunita. Kay Jeser, ang angkan ng mga Jeserita: kay Shilem, ang angkan ng mga Shilemita. Ito ang mga angkan ni Neftali ayon sa kanilang mga angkan at ang nabilang sa kanila ay apatnapu't limang libo at apatnaraan. Ito ang bilang sa angkan ni Israel, animnaraan isang libo at pitong daan at tatlumpu. At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Sa mga ito hahatiin ang lupain bilang mana ayon sa bilang ng mga pangalan. Sa marami ay magbibigay kayo ng maraming mana, at sa kaunti ay magbibigay kayo ng kaunting mana. Ang bawat isa ayon sa mga bilang sa kanya ay bibigyan ng kanyang mana. Gayunman ay hahatiin ang lupain sa pamamagitan ng palabunutan: ang kanilang mamanahin ay ayon sa mga pangalan ng mga lipi ng kanilang mga ninuno. Ayon sa palabunutan hahatiin ang kanilang mana, alinsunod sa dami o sa kaunti. Ito ang mga nabilang sa mga Levita ayon sa kanilang mga angkan: kay Gershon, ang angkan ng mga Gershonita; kay Kohat, ang angkan ng mga Kohatita; kay Merari, ang angkan ng mga Merarita. Ito ang mga angkan ni Levi: ang angkan ng mga Libnita, ang angkan ng mga Hebronita, ang angkan ng mga Mahlita, ang angkan ng mga Musita, ang angkan ng mga Korahita. At naging anak ni Kohat si Amram. Ang pangalan ng asawa ni Amram ay Jokebed, naanakna babae ni Levi, na ipinanganak kay Levi sa Ehipto. Ipinanganak niya kay Amram sina Aaron at Moises, at si Miriam na kanilang kapatid na babae. At naging anak ni Aaron sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. Sina Nadab at Abihu ay namatay nang sila'y maghandog ng kakaibang apoy sa harap ng PANGINOON. Ang nabilang sa kanila ay dalawampu't tatlong libo, lahat ng lalaki mula sa isang buwang gulang pataas: dahil hindi sila binilang kasama ng mga anak ni Israel, sapagkat sila'y hindi binigyan ng mana sa gitna ng mga anak ni Israel. Ito ang mga nabilang ni Moises at ng paring si Eleazar, na bumilang ng mga anak ni Israel sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico. Ngunit sa mga ito ay wala isa mang lalaki na ibinilang ni Moises at ng paring si Aaron, na bumilang ng mga anak ni Israel sa ilang ng Sinai. Sapagkat sinabi ng PANGINOON tungkol sa kanila, "Sila'y tiyak na mamamatay sa ilang." At walang natira kahit isang tao sa kanila, liban kay Caleb na anak ni Jefone, at kay Josue na anak ni Nun. Nang magkagayo'y lumapit ang mga anak na babae ni Zelofehad, na anak ni Hefer, na anak ni Gilead, na anak ni Makir, na anak ni Manases sa mga angkan ni Manases, na anak ni Jose. Ito ang mga pangalan ng kanyang mga anak: Mania, Noa, Hogla, Milca, at Tirsa. At sila'y tumayo sa harap ni Moises, at ng paring si Eleazar, at sa harap ng mga pinuno at ng buong kapulungan sa pintuan ng toldang tipanan na sinasabi, "Ang aming ama ay namatay sa ilang, at siya'y hindi kasama ng pangkat ng mga nagtipun-tipon laban sa PANGINOON sa pangkat ni Kora, kundi siya'y namatay sa kanyang sariling kasalanan; at siya'y walang anak na lalaki. Bakit ang pangalan ng aming ama ay aalisin sa angkan niya, dahil ba sa siya'y walang anak na lalaki? Bigyan ninyo kami ng ari-arian kasama ng mga kapatid ng aming ama." Dinala ni Moises ang kanilang usapin sa harap ng PANGINOON. Nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Tama ang sinasabi ng mga anak na babae ni Zelofehad. Bigyan mo sila ng ari-arian na pinakamana mula sa mga kapatid ng kanilang ama; at iyong isasalin ang mana ng kanilang ama sa kanila. At iyong sasabihin sa mga anak ni Israel, "Kung ang isang lalaki ay mamatay at walang anak na lalaki, inyong isasalin ang kanyang mana sa kanyang anak na babae. Kung siya'y walang anak na babae, inyong ibibigay ang kanyang mana sa kanyang mga kapatid. Kung siya'y walang kapatid, inyong ibibigay ang kanyang mana sa mga kapatid ng kanyang ama. Kung ang kanyang ama ay walang kapatid, inyong ibibigay ang kanyang mana sa kanyang kamag-anak na pinakamalapit sa kanyang angkan, at kanyang aariin. At ito ay magiging isang tuntunin at batas sa mga anak ni Israel gaya ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Umahon ka sa bundok na ito ng Abarim, at tanawin mo ang lupain na aking ibinigay sa mga anak ni Israel. Kapag nakita mo na iyon, titipunin kang kasama rin ng iyong bayan, na gaya ng pagkatipon kay Aaron na iyong kapatid. Sapagkat sa ilang ng Zin, sa pakikipagtalo ng kapulungan ay naghimagsik kayo laban sa aking utos na kilalanin ninyo akong banal sa harap ng mga mata nila doon sa tubig." (Ito ang tubig ng Meriba sa Kadesh sa ilang ng Zin.) At nagsalita si Moises sa PANGINOON, na sinasabi, "Hayaan mong pumili ang PANGINOON, ang Diyos ng mga espiritu ng lahat ng laman, ng isang lalaki sa kapulungan, na lalabas sa harapan nila, at papasok sa harapan nila, mangunguna sa kanila palabas at magdadala sa kanila papasok upang ang kapulungan ng PANGINOON ay huwag maging parang mga tupa na walang pastol. Kaya't sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Isama mo si Josue na anak ni Nun, isang lalaking nagtataglay ng Espiritu, at ipatong mo ang iyong kamay sa kanya. Iharap mo siya sa paring si Eleazar, at sa buong kapulungan; at sa harapan nila'y atasan mo siya. Bibigyan mo siya ng ilan sa iyong awtoridad upang sundin siya ng buong kapulungan ng mga anak ni Israel. At siya'y tatayo sa harap ng paring si Eleazar, na siyang sasangguni para sa kanya, sa pamamagitan ng hatol ng Urim sa harap ng PANGINOON; sa kanyang salita ay lalabas sila, at sa kanyang salita ay papasok sila, siya at ang lahat ng mga anak ni Israel na kasama niya, samakatuwid ay ang buong kapulungan. Ginawa ni Moises ang ayon sa iniutos ng PANGINOON sa kanya at kanyang isinama si Josue. Kanyang iniharap siya sa paring si Eleazar at sa buong kapulungan. Kanyang ipinatong ang mga kamay niya sa kanya, at siya'y kanyang inatasan, gaya ng iniutos ng PANGINOON sa pamamagitan ni Moises. Nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Iutos mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, 'Ang aking alay, ang aking pagkain na handog sa akin na pinaraan sa apoy bilang mabangong samyo sa akin ay pagsikapan mong ihandog sa akin sa takdang panahon. Iyong sasabihin sa kanila, "Ito ang handog na pinaraan sa apoy na inyong ihahandog sa PANGINOON; mga korderong lalaki na isang taong gulang na walang kapintasan, dalawa araw-araw, bilang palagiang handog na sinusunog. Ang isang kordero ay iyong ihahandog sa umaga, at ang isang kordero ay iyong ihahandog sa paglubog ng araw, at ang ikasampung bahagi ng isang efa ng piling butil bilang handog na butil na hinaluan ng ikaapat na bahagi ng isang hin ng langis na hinalo. Iyon ay isang palagiang handog na sinusunog, na iniutos sa bundok ng Sinai na mabangong samyo ng handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy. Ang handog na inumin ay ang ikaapat na bahagi ng isang hin para sa isang kordero. Sa dakong banal ka magbubuhos ng handog na inumin na matapang na inumin para sa PANGINOON. Ang isang kordero ay iyong ihahandog sa paglubog ng araw gaya ng handog na butil sa umaga. Gaya ng handog na inumin ay iyong ihahandog iyon bilang isang handog na pinaraan sa apoy, bilang mabangong samyo sa PANGINOON. "Sa araw ng Sabbath ay dalawang korderong lalaki na isang taong gulang. na walang kapintasan, at dalawang ikasampung bahagi ng isang efa ng piling harina bilang handog na butil na hinaluan ng langis, at ang handog na inumin niyon. Ito ang handog na sinusunog sa bawat Sabbath, bukod pa sa palagiang handog na sinusunog at ang inuming handog niyon. Sa Simula ng inyong mga buwan ay maghahandog kayo ng handog na sinusunog sa PANGINOON; dalawang batang toro at isang lalaking tupa, pitong korderong lalaki na isang taong gulang at walang kapintasan; at tatlong ikasampung bahagi ng isang efa ng piling harina bilang handog na butil na hinaluan ng langis para sa bawat toro; at dalawang ikasampung bahagi ng piling harina bilang handog na butil, na hinaluan ng langis para sa isang lalaking tupa; at isang ikasampung bahagi ng piling harina na hinaluan ng langis bilang handog na butil para sa bawat kordero; handog na sinusunog na mabangong samyo, handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy. Ang kanilang magiging handog na inumin ay kalahati ng isang hin ng alak para sa toro, at ang ikatlong bahagi ng isang hin ay para sa lalaking tupa, at ang ikaapat na bahagi ng isang hin ay para sa kordero. Ito ang handog na sinusunog sa bawat buwan sa lahat ng buwan ng taon. Isang kambing na lalaki na handog sa PANGINOON dahil sa kasalanan; ihahandog ito bukod pa sa palagiang handog na sinusunog at sa inuming handog niyon. Sa ikalabing-apat na araw ng unang buwan ay paskuwa ng PANGINOON. Sa ikalabinlimang araw ng buwang ito ay magkakaroon ng isang pista; pitong araw na kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa. Sa unang araw ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagtitipon; huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain, kundi maghahandog kayo sa PANGINOON ng isang handog na pinaraan sa apoy, na handog na sinusunog: dalawang batang toro, isang lalaking tupa, pitong korderong lalaki na isang taong gulang, na walang kapintasan; gayundin ang kanilang handog na butil na piling handog na harina na hinaluan ng langis, tatlong ikasampung bahagi ang inyong ihahandog para sa isang toro, at dalawang ikasampung bahagi para sa lalaking tupa; at isang ikasampung bahagi ang iyong ihahandog para sa bawat isa sa pitong kordero; at isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan upang ipantubos sa inyo. Inyong ihahandog ang mga ito bukod pa sa handog na sinusunog sa umaga, bilang palagiang handog na sinusunog. Sa ganitong paraan ninyo ihahandog araw-araw, sa loob ng pitong araw ang pagkain na handog na pinaraan sa apoy na mabangong samyo sa PANGINOON. Ihahandog ito bukod pa sa palagiang handog na sinusunog at sa inuming handog. Sa ikapitong araw ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagtitipon. Huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain. Gayundin sa araw ng mga unang bunga, sa paghahandog ninyo ng handog na bagong butil sa PANGINOON sa inyong pista ng mga sanlinggo, ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagtitipon, huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain, kundi kayo'y maghahandog ng isang handog na sinusunog na mabangong samyo sa PANGINOON; dalawang batang toro, isang lalaking tupa, at pitong korderong lalaki na isang taong gulang. Ang handog na butil, na piling harina na hinaluan ng langis ay tatlong ikasampung bahagi para sa bawat toro, dalawang ikasampung bahagi sa isang lalaking tupa, isang ikasampung bahagi sa bawat kordero para sa pitong kordero; isang kambing na lalaki upang ipantubos sa inyo. Bukod pa sa palagiang handog na sinusunog, at sa handog na butil niyon, ay inyong ihahandog ang mga iyon kasama ang mga inuming handog. Ang mga ito ay dapat walang kapintasan. Sa unang araw ng ikapitong buwan ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagtitipon. Huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain. Ito ay araw para sa inyo na paghihip ng mga trumpeta. Kayo'y maghahandog ng isang handog na sinusunog na mabangong samyo sa PANGINOON, ng isang batang toro, isang lalaking tupa, pitong korderong lalaki na isang taong gulang at walang kapintasan. Ang handog na butil ng mga iyon, na piling harina, na hinaluan ng langis, ay tatlong ikasampung bahagi para sa toro, dalawang ikasampung bahagi para sa lalaking tupa, at isang ikasampung bahagi para sa bawat kordero sa pitong kordero, at isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan upang ipantubos sa inyo, bukod pa sa handog na sinusunog sa bagong buwan, at sa handog na butil niyon, at sa palagiang handog na sinusunog at sa handog na butil niyon, at sa mga inuming handog niyon, ayon sa kanilang tuntunin na mabangong samyo na handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy. At sa ikasampung araw nitong ikapitong buwan ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagtitipon at inyong pahihirapan ang inyong mga kaluluwa, at huwag kayong gagawa ng anumang gawa, kundi kayo'y maghahandog sa PANGINOON ng isang handog na sinusunog na mabangong samyo; isang batang toro, isang tupang lalaki, pitong korderong lalaki na isang taong gulang, mga walang kapintasan para sa inyo. Ang handog na butil ng mga iyon, na piling harina na hinaluan ng langis, ay tadong ikasampung bahagi para sa toro, dalawang ikasampung bahagi para sa isang lalaking tupa, isang ikasampung bahagi para sa bawat kordero sa pitong kordero; isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan, bukod pa sa handog pangkasalanan na pantubos at sa palagiang handog na sinusunog, at sa handog na butil, at sa mga inuming handog ng mga iyon. Sa ikalabinlimang araw ng ikapitong buwan ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagtitipon; huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain at mangingilin kayo sa loob ng pitong araw para sa PANGINOON. Maghahandog kayo ng isang handog na sinusunog, handog na pinaraan sa apoy na mabangong samyo para sa PANGINOON: labintatlong batang toro, dalawang tupang lalaki, labing-apat na korderong lalaki na isang taong gulang, na mga walang kapintasan. Ang handog na butil ng mga iyon, na piling harina na hinaluan ng langis ay tadong ikasampung bahagi ng efa para sa bawat toro sa labintatlong toro, dalawang ikasampung bahagi sa bawat lalaking tupa para sa dalawang lalaking tupa, at isang ikasampung bahagi para sa bawat kordero sa labing-apat na kordero; isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan; bukod pa sa palagiang handog na sinusunog, at sa handog na butil niyon at sa inuming handog niyon. Sa ikalawang araw ay maghahandog kayo ng labindalawang batang toro, dalawang lalaking tupa, labing-apat na korderong lalaki na isang taong gulang at walang kapintasan. Ang handog na harina ng mga iyon, at ang mga handog na inumin para sa mga toro, sa mga lalaking tupa, at sa mga kordero ayon sa bilang ng mga iyon, alinsunod sa tuntunin; isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan; bukod pa sa palagiang handog na sinusunog, at sa handog na butil, at sa mga handog na inumin ng mga iyon. Sa ikatlong araw ay labing-isang toro, dalawang lalaking tupa, labing-apat na korderong lalaki na isang taong gulang at walang kapintasan, handog na butil at ang mga inuming handog para sa mga toro, sa mga lalaking tupa, at sa mga kordero ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa tuntunin, at isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan; bukod pa sa palagiang handog na sinusunog, at sa handog na butil niyon, at sa handog na inumin niyon. Sa ikaapat na araw ay sampung toro, dalawang lalaking tupa, labing-apat na korderong lalaki na isang taong gulang na walang kapintasan, handog na butil ng mga iyon at ang mga handog na inumin para sa mga toro, sa mga lalaking tupa, at sa mga kordero ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa tuntunin; at isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan; bukod pa sa palagiang handog na sinusunog, sa handog na butil niyon, at sa handog na inumin niyon. Sa ikalimang araw ay siyam na toro, dalawang lalaking tupa, labing-apat na korderong lalaki na isang taong gulang na walang kapintasan, kasama ang handog na butil at ang handog na inumin para sa mga toro, sa mga lalaking tupa, at sa mga kordero, ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa tuntunin; at isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan; bukod pa sa palagiang handog na sinusunog, at sa handog na butil niyon, at sa handog na inumin niyon. At sa ikaanim na araw ay walong toro, dalawang lalaking tupa, labing-apat na korderong lalaki na isang taong gulang at walang kapintasan, kasama ang handog na butil at mga handog na inumin para sa mga toro, sa mga lalaking tupa at sa mga kordero, ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa tuntunin; at isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan; bukod pa sa palagiang handog na sinusunog, sa handog na butil niyon, at sa mga inuming handog niyon. Sa ikapitong araw ay pitong toro, dalawampung tupang lalaki, labing-apat na korderong lalaki na isang taong gulang at walang kapintasan. Kasama ang handog na butil ng mga iyon, at ang mga inuming handog para sa mga toro, sa mga lalaking tupa, at sa mga kordero, ayon sa kanilang bilang, alinsunod sa tuntunin; at isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan; bukod pa sa palagiang handog na sinusunog, sa handog na butil niyon, at sa inuming handog niyon. Sa ikawalong araw ay magkakaroon kayo ng isang taimtim na pagpupulong; huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain, kundi kayo'y maghahandog ng isang handog na sinusunog, isang handog na pinaraan sa apoy na mabangong samyo sa PANGINOON: isang toro, isang lalaking tupa, pitong korderong lalaki na isang taong gulang, walang kapintasan. Ang handog na butil ng mga iyon at ang mga inuming handog para sa toro, sa lalaking tupa, at sa mga kordero, ayon sa kanilang bilang alinsunod sa tuntunin; isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan; bukod pa sa palagiang handog na sinusunog, at sa handog na butil niyon, at sa inuming handog niyon. "Ang mga ito ay inyong ihahandog sa PANGINOON sa inyong mga takdang kapistahan, bukod pa sa inyong mga ipinangakong handog, at sa inyong mga kusang handog, para sa inyong mga handog na sinusunog, mga handog na butil, at mga inuming handog, at mga handog pangkapayapaan. At sinabi ni Moises sa mga anak ni Israel ang lahat ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. Nagsalita si Moises sa mga pinuno ng mga lipi ng mga anak ni Israel, na sinasabi, "Ito ang ipinag-uutos ng PANGINOON. Kapag ang isang lalaki ay namanata ng isang panata sa PANGINOON, o sumumpa ng isang sumpa, na itinali ang kanyang sarili sa pamamagitan ng isang panata, ay huwag niyang sisirain ang kanyang salita. Kanyang tutuparin ang ayon sa lahat ng lumabas sa kanyang bibig. Kapag ang isang babae naman ay namanata ng isang panata sa PANGINOON at itinali ang kanyang sarili sa pamamagitan ng isang sumpa, samantalang nasa bahay ng kanyang ama, sa kanyang pagkadalaga, at narinig ng kanyang ama ang kanyang panata, at ang kanyang sumpa na doon ay itinali niya ang kanyang sarili, at ang kanyang ama ay walang sinabi sa kanya, lahat nga ng kanyang panata ay magkakabisa, at bawat panata na kanyang ipinanata sa kanyang sarili ay magkakabisa. Ngunit kung sawayin siya ng kanyang ama sa araw na narinig niya ito, alinman sa kanyang panata o pangako na kanyang ginawa ay hindi magkakabisa, at patatawarin siya ng PANGINOON sapagkat sinaway siya ng kanyang ama. At kung siya'y may asawa at mamanata o magbitiw sa kanyang labi ng anumang salita na hindi pinagisipan na doo'y itinali niya ang kanyang sarili, at marinig ng kanyang asawa at walang sinabi sa kanya sa araw na marinig iyon, magkakabisa nga ang kanyang mga panata at pangako na doo'y itinali niya ang kanyang sarili. Ngunit kung sawayin siya ng kanyang asawa sa araw na marinig iyon, mawawalan ng kabuluhan ang kanyang panata at ang binitiwang pangako ng kanyang mga labi na doo'y itinali niya ang kanyang sarili, at patatawarin siya ng PANGINOON. Ngunit anumang panata ng isang babaing balo, o ng isang hiniwalayan ng asawa ay magkakabisa sa bawat bagay na doo'y itinali niya ang kanyang sarili. Kung siya'y mamanata sa bahay ng kanyang asawa, o kanyang itinali ang kanyang sarili sa isang pananagutan na kaakbayng isang sumpa, at narinig ng kanyang asawa, at walang sinabi sa kanya at hindi siya sinaway, kung gayon ay magkakabisa ang lahat niyang panata, at bawat pananagutan na kanyang itinali sa kanyang sarili ay magkakabisa. Ngunit kung ang mga iyon ay pawawalang-bisa ng kanyang asawa sa araw na marinig, hindi magkakabisa ang anumang bagay na binitiwan ng kanyang mga labi tungkol sa kanyang mga panata o tungkol sa itinali niya sa kanyang sarili. Patatawarin siya ng PANGINOON. Bawat panata o bawat pananagutan na pinagtibay ng sumpa, na makapagpapahirap ng sarili, ay mabibigyang bisa ng kanyang asawa, o mapawawalang bisa ng kanyang asawa. Ngunit kung ang kanyang asawa ay walang sinabi sa kanya sa araw-araw, pinagtibay nga niya ang lahat niyang panata, o ang lahat ng kanyang pananagutan, sapagkat hindi siya umimik nang araw na kanyang marinig ang mga ito. Ngunit kung kanyang pawawalang-bisa ito pagkatapos na kanyang marinig, tataglayin nga niya ang kasamaan ng kanyang asawa. Ito ang mga tuntunin na iniutos ng PANGINOON kay Moises, sa mag-asawa at sa mag-ama samantalang ang anak na dalaga ay nasa bahay ng kanyang ama sa panahon ng kanyang kabataan. Nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Ipaghiganti mo ang mga anak ni Israel sa mga Midianita; pagkatapos nito'y ititipon ka sa iyong bayan." At sinabi ni Moises sa bayan, "Kayong mga lalaki ay maghanda ng sandata para sa pakikipaglaban upang labanan ang Midianita at igawad ang paghihiganti ng PANGINOON sa Midian. Sa bawat lipi ay isang libo ang susuguin ninyo sa pakikipaglaban." Sa gayo'y sinugo ang libu-libong Israelita, isang libo sa bawat lipi, labindalawang libong may sandata para sa pakikipaglaban. Sinugo sila ni Moises sa pakikipaglaban, isang libo sa bawat lipi, sila at si Finehas na anak ng paring si Eleazar, na may mga kasangkapan ng santuwaryo at may mga trumpeta na panghudyat sa kanyang kamay. Nakipaglaban sila sa Midian gaya ng iniutos ng PANGINOON kay Moises, at kanilang pinatay ang bawat lalaki. Pinatay nila ang mga hari sa Midian: sina Evi, Rekem, Zur, Hur, at Reba, limang hari sa Midian. Sina Balaam na anak ni Beor ay kanilang pinatay rin ng tabak. At binihag ng mga anak ng Israel ang mga babae sa Midian at ang kanilang mga bata. Ang lahat ng kanilang mga hayop at mga kawan, at ang lahat ng kanilang ari-arian ay kanilang sinamsam. Ang lahat ng kanilang mga bayan sa mga dakong kanilang tinitirhan at ang lahat nilang mga tolda ay kanilang sinunog sa apoy. Kanilang dinala ang lahat ng kanilang nakuha, at ang lahat ng kanilang nasamsam, maging tao at hayop. Ang mga bihag, ang nasamsam, at ang mga natangay ay kanilang dinala kay Moises at sa paring si Eleazar, at sa kapulungan ng mga anak ni Israel na nasa kampo sa mga kapatagan ng Moab, na nasa tabi ng Jordan sa Jerico. Si Moises at ang paring si Eleazar, at ang lahat ng mga pinuno sa kapulungan, ay lumabas upang salubungin sila sa labas ng kampo. Si Moises ay nagalit sa mga pinuno ng hukbo, sa mga pinuno ng libu-libo at sa mga pinuno ng daan-daan na nanggaling sa pakikipaglaban. Sinabi ni Moises sa kanila, "Hinayaan ba ninyong mabuhay ang lahat ng mga babae? Ang mga babaing ito, dahil sa payo ni Balaam, ang naging dahilan upang ang mga anak ni Israel ay magtaksil sa PANGINOON sa nangyari sa Peor, kaya't nagkasalot sa kapulungan ng PANGINOON. Ngayon ay patayin ninyo ang lahat ng mga batang lalaki at bawat babae na nakakilala na ng lalaki sa pamamagitan ng pagsiping sa mga ito. Ngunit ang lahat ng mga dalaga na hindi pa nakakilala ng lalaki dahil hindi pa nasisipingan ang mga ito ay hayaan ninyong mabuhay upang mapasainyo. Manatili kayo sa labas ng kampo sa loob ng pitong araw. Sinuman sa inyo na nakamatay ng sinumang tao, at nakahawak ng anumang pinatay ay maglilinis sa ikatlong araw at sa ikapitong araw, kayo at ang inyong mga bihag. Ang bawat kasuotan, lahat ng yari sa balat, sa balahibo ng kambing, at lahat ng bagay na yari sa kahoy ay linisin ninyo. Sinabi ng paring si Eleazar sa mga mandirigma ng hukbo na pumunta sa pakikipaglaban, "Ito ang tuntunin ng kautusan na iniutos ng PANGINOON kay Moises: Ang ginto, pilak, tanso, bakal, lata, tingga, at bawat bagay na hindi natutupok sa apoy ay inyong pararaanin sa apoy, at iyon ay magiging malinis. Gayunma'y inyong lilinisin iyon ng tubig para sa karumihan at ang lahat na hindi nakakatagal sa apoy ay inyong pararaanin sa tubig. Inyong lalabhan ang inyong mga damit sa ikapitong araw, at kayo'y magiging malinis, at pagkatapos nito'y makakapasok kayo sa kampo." Nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Ang samsam na nakuha ninyo maging tao o hayop ay bilangin mo at ng paring si Eleazar, at ng mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno sa kapulungan. Hatiin mo sa dalawa ang samsam, sa mga lalaking mandirigma na lumabas sa pakikipaglaban at sa buong kapulungan. Bigyan mo ng buwis ang PANGINOON para sa mga lalaking mandirigma na pumunta sa pakikipaglaban: isa sa bawat limang daang tao, at gayundin sa mga hayop, at sa mga asno at mga kawan. Sa kalahating nauukol sa kanila ay kukunin mo iyon at ibibigay mo sa paring si Eleazar na handog sa PANGINOON. Sa kalahati na nauukol sa mga anak ni Israel ay kunin mo ang isang samsam sa bawat limampu, sa mga tao, mga baka, mga asno, mga kawan, sa lahat ng hayop at ibigay mo sa mga Levita na siyang namamahala sa tabernakulo ng PANGINOON." Ginawa nga ni Moises at ng paring si Eleazar ang ayon sa iniutos ng PANGINOON kay Moises. Ang nabihag bukod pa sa nasamsam ng mga taong nakipaglaban ay animnaraan at pitumpu't limang libong tupa, pitumpu't dalawang libong baka, animnapu't isang libong asno, at tatlumpu't dalawang libong tao lahat, mga babae na hindi pa nakakilala ng lalaki sa pamamagitan ng pagsiping sa mga ito. Ang kalahati, na siyang bahagi niyong mga pumunta sa pakikipaglaban ay umaabot sa bilang na tatlong daan tatlumpu't pitong libo at limang daang tupa. Ang buwis na tupa sa PANGINOON ay animnaraan at pitumpu't lima. Ang mga baka ay tatlumpu't anim na libo; at ang buwis sa PANGINOON ay pitumpu't dalawa. Ang mga asno ay tatlumpung libo at limang daan; at ang buwis sa PANGINOON ay animnapu't isa. Ang mga tao ay labing-anim na libo; at ang buwis sa PANGINOON ay tatlumpu't dalawang tao. Ibinigay ni Moises ang buwis, na ukol sa handog sa PANGINOON, sa paring si Eleazar, gaya ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. Ang kalahati ay sa mga anak ni Israel, na inihiwalay ni Moises sa mga taong nakipaglaban. Ang kalahati na nauukol sa kapisanan ay tatlong daan at tatlumpu't pitong libo at limang daang tupa, tatlumpu't anim na libong baka, tatlumpung libo't limang daang asno, at labing anim na libong tao. Ang kalahati na nauukol sa mga anak ni Israel ay kinuha ni Moises, ang isa sa bawat limampu, sa tao at gayundin sa hayop, at ibinigay sa mga Levita na namamahala sa tabernakulo ng PANGINOON; gaya ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. Ang mga pinuno na namamahala sa libu-libo ng hukbo, ang mga pinuno ng libu-libo, at ang mga pinuno ng daan-daan ay lumapit kay Moises. Sinabi nila kay Moises, "Binilang ng iyong mga lingkod ang mga lalaking mandirigma na nasa aming kapangyarihan, at walang kulang kahit isa man sa amin. Aming dinala bilang handog sa PANGINOON ang nakuha ng bawat lalaki na mga hiyas na ginto, mga panali sa braso, at mga pulseras, mga singsing na pantatak, mga hikaw, at mga kuwintas sa leeg upang ipantubos sa aming mga sarili sa harap ng PANGINOON." At kinuha ni Moises at ng paring si Eleazar ang kanilang ginto na lahat ay nasa anyong hiyas. Ang lahat ng gintong handog na kanilang inihandog sa PANGINOON, ng mga pinuno ng libu-libo, at ng mga pinuno ng daan-daan, ay labing-anim na libo pitong daan at limampung siklo. (Sapagkat ang mga lalaki na nakipaglaban ay kanya-kanyang nag-uwi ng mga samsam.) At kinuha ni Moises at ng paring si Eleazar ang ginto ng mga pinuno ng libu-libo at ng daan-daan, at ipinasok sa toldang tipanan bilang alaala sa mga anak ni Israel sa harap ng PANGINOON. Ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad ay may lubhang napakaraming hayop. Nang kanilang makita ang lupain ng Jazer at ang lupain ng Gilead ay mabuting lugar iyon para sa hayop, lumapit at nagsalita ang mga anak ni Gad at ang mga anak ni Ruben kay Moises, sa paring si Eleazar, at sa mga pinuno ng sambayanan, na sinasabi: "Ang Atarot, Dibon, Jazer, Nimra, Hesbon, Eleale, Saban, Nebo, at ang Beon, na lupaing winasak ng PANGINOON sa harap ng kapulungan ng Israel ay lupaing mabuti para sa hayop, at ang iyong mga lingkod ay may mga hayop." At sinabi nila, "Kung kami ay nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin ay ibigay sa iyong mga lingkod ang lupaing ito bilang ari-arian; at huwag mo na kaming patawirin sa Jordan." Sinabi ni Moises sa mga anak ni Gad at sa mga anak ni Ruben, "Pupunta ba ang inyong mga kapatid sa pakikipaglaban, samantalang kayo'y nakaupo rito? At bakit pinanghihina ninyo ang loob ng mga anak ni Israel, upang huwag magpatuloy sa lupain na ibinigay ng PANGINOON sa kanila? Ganyan ang ginawa ng inyong mga ninuno nang sila'y aking suguin, mula sa Kadesh-barnea upang lihim na siyasatin ang lupain. Sapagkat nang sila'y makaahon sa libis ng Escol at makita ang lupain, ay kanilang pinanghina ang loob ng mga anak ni Israel upang huwag pumasok sa lupain na ibinigay ng PANGINOON sa kanila. Ang galit ng PANGINOON ay nagningas nang araw na iyon, at siya'y sumumpa na sinasabi, "Tunay na walang taong lumabas sa Ehipto, mula sa dalawampung taong gulang pataas na makakakita ng lupain na aking ipinangako kina Abraham, Isaac, at Jacob; sapagkat sila'y hindi lubos na sumunod sa akin; liban kay Caleb na anak ni Jefone na Kenizeo, at si Josue na anak ni Nun sapagkat sila'y lubos na sumunod sa PANGINOON.' Ang galit ng PANGINOON ay nagningas laban sa Israel, at kanyang pinagala-gala sila sa ilang nang apatnapung taon hanggang sa ang buong salinlahing iyon na gumawa ng masama sa paningin ng PANGINOON ay nalipol. At, ngayo'y bumangon kayo na kapalit ng inyong mga ninuno, supling ng mga taong makasalanan, upang dagdagan pa ninyo ang matinding galit ng PANGINOON sa Israel. Sapagkat kung kayo'y lumihis ng pagsunod sa kanya ay kanyang muling iiwan sila sa ilang; at inyong lilipulin ang buong bayang ito." Sila'y lumapit sa kanya, at nagsabi, "Gagawa kami rito ng mga kulungan para sa aming mga hayop, at ng mga bayan para sa aming mga bata. Ngunit kami ay maghahandang lumaban upang magpauna sa mga anak ni Israel hanggang sa aming madala sila sa kanilang lugar; at ang aming mga bata ay maninirahan sa mga bayang may pader dahil sa mga naninirahan sa lupain. Kami ay hindi babalik sa aming mga bahay, hanggang sa ang lahat ng mga anak ni Israel ay magkaroon ng kanilang sariling pag-aari, sapagkat hindi kami makikihati sa kanilang mana sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa dako pa roon; sapagkat tinanggap na namin ang aming mana rito sa dakong silangan ng Jordan." At sinabi ni Moises sa kanila, "Kung gagawin ninyo ang bagay na ito; kung kayo'y maghahandang lumaban upang pumaroon sa harap ng PANGINOON sa pakikipaglaban, at bawat may sandata sa inyo ay tatawid sa Jordan sa harap ng PANGINOON, hanggang sa kanyang mapalayas ang kanyang mga kaaway sa harap niya; at ang lupain ay mapasuko sa harap ng PANGINOON; kung gayon ay makababalik kayo at magiging malaya sa pananagutan sa PANGINOON at sa Israel; at ang lupaing ito ay magiging inyong pag-aari sa harap ng PANGINOON. Ngunit kung hindi ninyo gagawin ang ganito, kayo'y magkakasala laban sa PANGINOON at tiyak na tutugisin kayo ng inyong kasalanan. Igawa ninyo ng mga lunsod ang inyong mga bata, at ng mga kulungan ang inyong mga tupa; at gawin ninyo ang inyong sinabi." Nagsalita ang mga anak nina Gad at ang mga anak ni Ruben kay Moises, na sinasabi, "Gagawin ng iyong mga lingkod ang gaya ng iniutos ng aking panginoon. Ang aming mga bata, mga asawa, kawan at buong bakahan ay mananatili riyan sa mga bayan ng Gilead. Ngunit ang iyong mga lingkod ay tatawid, bawat lalaki na may sandata sa pakikipaglaban, sa harap ng PANGINOON upang makipaglaban gaya ng sinabi ng aking panginoon." Sa gayo'y nag-utos si Moises tungkol sa kanila sa paring si Eleazar, kay Josue na anak ni Nun, at sa mga pinuno sa mga sambahayan ng mga ninuno ng mga lipi ng mga anak ni Israel. At sinabi sa kanila ni Moises, "Kung ang mga anak ni Gad at ang mga anak ni Ruben ay tatawid na kasama ninyo sa Jordan, ang lahat ng lalaki na may sandata sa pakikipaglaban, sa harap ng PANGINOON; at kung ang lupain ay mapasuko sa harap ninyo ay ibibigay ninyo sa kanila bilang ari-arian ang lupain ng Gilead. Ngunit kung sila'y hindi tatawid na kasama ninyo na may sandata, magkakaroon sila ng pag-aari na kasama ninyo sa lupain ng Canaan." Ang mga anak nina Gad at Ruben ay sumagot, "Kung ano ang sinabi ng PANGINOON sa iyong mga lingkod ay gayon ang gagawin namin. Kami ay tatawid na may sandata sa harap ng PANGINOON sa lupain ng Canaan, at ang magiging pag-aari naming mana ay sa dakong ito ng Jordan." At ibinigay ni Moises sa mga anak nina Gad, at sa mga anak ni Ruben, at sa kalahati ng lipi ni Manases na anak ni Jose ang kaharian ni Sihon na hari ng mga Amoreo, at ang kaharian ni Og na hari sa Basan, ang lupain at ang mga bayan niyon, sa loob ng mga hangganan niyon, samakatuwid ay ang mga bayan sa buong lupain. Itinayo ng mga anak ni Gad ang Dibon, ang Atarot, ang Aroer, ang Atarot-sofan, ang Jazer, ang Jogbeha, ang Bet-nimra at ang Bet-haran: na mga bayang may pader, at kulungan din naman ng mga tupa. Itinayo naman ng mga anak ni Ruben ang Hesbon, Eleale, Kirya-taim, ang Nebo, Baal-meon, (na ang pangalan ng mga iyon ay pinalitan,) at ang Sibma. Binigyan nila ng ibang mga pangalan ang mga bayan na kanilang itinayo. Ang mga anak ni Makir na anak ni Manases ay pumunta sa Gilead, sinakop ito, at pinalayas ang mga Amoreo na naroroon. Ibinigay ni Moises ang Gilead kay Makir na anak ni Manases; at kanyang tinirhan. Si Jair na anak ni Manases ay pumaroon at sinakop ang mga bayan niyon at tinawag ang mga ito na Havot-jair. Si Noba ay pumaroon at sinakop ang Kenat at ang mga nayon niyon. Tinawag ito na Noba, ayon sa kanyang sariling pangalan. Ito ang mga paglalakbay ng mga anak ni Israel, nang sila'y lumabas sa lupain ng Ehipto, ayon sa kanilang mga hukbo sa ilalim ng pamumuno nina Moises at Aaron. Isinulat ni Moises kung saan sila nagsimula, yugtu-yugto, alinsunod sa utos ng PANGINOON, at ito ang kanilang mga paglalakbay ayon sa kanilang mga lugar na pinagsimulan. Sila'y naglakbay mula sa Rameses nang ikalabinlimang araw ng unang buwan. Kinabukasan, pagkatapos ng paskuwa ay buong tapang na umalis ang mga anak ni Israel sa paningin ng lahat ng mga Ehipcio, samantalang inililibing ng mga Ehipcio ang lahat ng kanilang panganay na nilipol ng PANGINOON sa gitna nila, pati ang kanilang mga diyos ay hinatulan ng PANGINOON. Ang mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa Rameses at nagkampo sa Sucot. Sila'y naglakbay mula sa Sucot at nagkampo sa Etam na nasa gilid ng ilang. Sila'y naglakbay mula sa Etam, at lumiko sa Pihahirot, na nasa silangan ng Baal-zefon at nagkampo sa tapat ng Migdol. Sila'y naglakbay mula sa Pihahirot, at nagdaan sa gitna ng dagat hanggang sa ilang; sila'y naglakbay ng tatlong araw sa ilang ng Etam at nagkampo sa Mara. Sila'y naglakbay mula sa Mara, at dumating sa Elim at sa Elim ay may labindalawang bukal ng tubig at pitumpung puno ng palma; at sila'y nagkampo roon. Sila'y naglakbay mula sa Elim at nagkampo sa tabi ng Dagat na Pula. Sila'y naglakbay mula sa Dagat na Pula at nagkampo sa ilang ng Zin. Sila'y naglakbay mula sa ilang ng Zin at nagkampo sa Dofca. Sila'y naglakbay mula sa Dofca at nagkampo sa Alus. Sila'y naglakbay mula sa Alus at nagkampo sa Refidim na doon ay walang tubig na mainom ang mga taong-bayan. Sila'y naglakbay mula sa Refidim at nagkampo sa ilang ng Sinai. Sila'y naglakbay mula sa ilang ng Sinai at nagkampo sa Kibrot-hataava. Sila'y naglakbay mula sa Kibrot-hataava at nagkampo sa Haserot. Sila'y naglakbay mula sa Haserot at nagkampo sa Ritma. Sila'y naglakbay mula sa Ritma at nagkampo sa Rimon-peres. Sila'y naglakbay mula sa Rimon-peres at nagkampo sa Libna. Sila'y naglakbay mula sa libna at nagkampo sa Risa. Sila'y naglakbay mula sa Risa at nagkampo sa Ceelata. Sila'y naglakbay mula sa Ceelata at nagkampo sa bundok ng Sefer. Sila'y naglakbay mula sa bundok ng Sefer at nagkampo sa Harada. Sila'y naglakbay mula sa Harada at nagkampo sa Macelot. Sila'y naglakbay mula sa Macelot at nagkampo sa Tahat. Sila'y naglakbay mula sa Tahat at nagkampo sa Terah. Sila'y naglakbay mula sa Terah at nagkampo sa Mitca. Sila'y naglakbay mula sa Mitca at nagkampo sa Hasmona. Sila'y naglakbay mula sa Hasmona at nagkampo sa Moserot. Sila'y naglakbay mula sa Moserot at nagkampo sa Ben-yaakan. Sila'y naglakbay mula sa Ben-yaakan at nagkampo sa Horhagidgad. Sila'y naglakbay mula sa Horhagidgad at nagkampo sa Jotbata. Sila'y naglakbay mula sa Jotbata at nagkampo sa Abrona. Sila'y naglakbay mula sa Abrona at nagkampo sa Ezion-geber. Sila'y naglakbay mula sa Ezion-geber at nagkampo sa ilang ng Zin (na siya ring Kadesh). At sila'y naglakbay mula sa Kadesh at nagkampo sa bundok ng Hor, sa gilid ng lupain ng Edom. Ang paring si Aaron ay umakyat sa bundok ng Hor sa utos ng PANGINOON, at namatay roon nang unang araw ng ikalimang buwan, sa ika-apatnapung taon, pagkaalis ng mga anak ni Israel sa lupain ng Ehipto. Si Aaron ay isandaan at dalawampu't tatlong taon nang siya'y mamatay sa bundok ng Hor. Nabalitaan ng Cananeo na hari sa Arad, na naninirahan sa Negeb sa lupain ng Canaan, ang pagdating ng mga anak ni Israel. Sila'y naglakbay mula sa bundok ng Hor at nagkampo sa Salmona. Sila'y naglakbay mula sa Salmona at nagkampo sa Funon. Sila'y naglakbay mula sa Funon at nagkampo sa Obot. Sila'y naglakbay mula sa Obot at nagkampo sa Ije-abarim, sa hangganan ng Moab. Sila'y naglakbay mula sa Ije-abarim at nagkampo sa Dibon-gad. Sila'y naglakbay mula sa Dibon-gad at nagkampo sa Almon-diblataim. Sila'y naglakbay mula sa Almon-diblataim at nagkampo sa mga bundok ng Abarim, sa harap ng Nebo. Sila'y naglakbay mula sa mga bundok ng Abarim at nagkampo sa mga kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan, sa Jerico. Sila'y nagkampo sa tabi ng Jordan, mula sa Bet-jesimot hanggang sa Abel-sitim, sa mga kapatagan ng Moab. At nagsalita ang PANGINOON kay Moises sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan, sa Jerico, na sinasabi, "Sabihin mo sa mga anak ni Israel, 'Pagtawid ninyo sa Jordan sa lupain ng Canaan, inyong palalayasin ang lahat ng naninirahan sa lupain sa harap ninyo, at inyong sisirain ang lahat ng kanilang mga batong hinugisan, at inyong sisirain ang lahat ng kanilang mga larawang hinulma, at inyong sisirain ang lahat ng kanilang matataas na dako. Angkinin ninyo ang lupain at manirahan kayo roon, sapagkat sa inyo ko ibinigay ang lupain upang angkinin. Inyong mamanahin ang lupain sa pamamagitan ng palabunutan ayon sa inyong mga angkan; sa malaki ay magbibigay kayo ng malaking mana, at sa maliit ay magbibigay kayo ng maliit na mana. Kung kanino matapat ang palabunutan sa bawat tao, ay iyon ang magiging kanya; ayon sa mga lipi ng inyong mga ninuno ay inyong mamanahin. Ngunit kung hindi ninyo palalayasin ang mga naninirahan sa lupain sa harap ninyo ay magiging parang mga puwing sa inyong mga mata, at parang mga tinik sa inyong mga tagiliran ang mga ititira ninyo sa kanila, at kanilang guguluhin kayo sa lupaing pinaninirahan ninyo. At mangyayari na gagawin ko sa inyo ang inisip kong gawin sa kanila.'" Nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Iutos mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, 'Pagpasok ninyo sa lupain ng Canaan, na ito ang lupaing magiging inyong mana, ang lupain ng Canaan ayon sa mga hangganan niyon, ang inyong lugar sa timog ay mula sa ilang ng Zin hanggang sa gilid ng Edom, at ang inyong hangganan sa timog ay magiging mula sa dulo ng Dagat ng Asin sa gawing silangan. Ang inyong hangganan ay paliko sa dakong timog sa gulod ng Acrabim, at patuloy hanggang sa Zin, at ang mga dulo niyon ay sa dakong timog ng Kadesh-barnea; at mula rito ay patungo sa Hazar-adar, at magpapatuloy sa Azmon; at ang hangganan ay paliko mula sa Azmon hanggang sa batis ng Ehipto, at matatapos iyon sa dagat. "Ang inyong magiging hangganan sa kanluran ay ang Malaking Dagat at ang baybayin niyon; ito ang magiging hangganan ninyo sa kanluran. Ito ang inyong magiging hangganan sa hilaga; mula sa Malaking Dagat ay inyong gagawing palatandaan ang bundok ng Hor; mula sa bundok ng Hor ay inyong gagawing palatandaan ang pasukan ng Hamat; at ang dulo ng hangganan ay sa Zedad; ang magiging hangganan ay hanggang sa Zifron, at ang dulo nito ay ang Hazar-enan. Ito ang magiging hangganan ninyo sa hilaga. Inyong gagawing palatandaan ang inyong hangganan sa silangan mula sa Hazar-enan hanggang Shefam; ang hangganan ay pababa mula sa Shefam hanggang sa Ribla, sa dakong silangan ng Ain; at ang hangganan ay pababa at abot hanggang sa gilid ng dagat ng Cineret sa dakong silangan. Ang hangganan ay pababa sa Jordan, at ang dulo niyon ay abot sa Dagat ng Asin. Ito ang magiging inyong lupain ayon sa mga hangganan niyon sapalibot. Iniutos ni Moises sa mga anak ni Israel, na sinasabi, "Ito ang lupain na inyong mamanahin sa pamamagitan ng palabunutan, na iniutos ng PANGINOON na ibigay sa siyam na lipi, at sa kalahating lipi; sapagkat ang lipi ng mga anak ni Ruben ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at ang lipi ng mga anak ni Gad ayon sa sambahayan ng kanilang mga ninuno ay tumanggap na, at gayundin naman ang kalahating lipi ni Manases ay tumanggap na ng kanilang mana. Ang dalawang lipi na ito, at ang kalahating lipi ay tumanggap na ng kanilang mana sa kabila ng Jordan sa dakong silangan ng Jerico, sa dakong sinisikatan ng araw." At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Ito ang mga pangalan ng mga lalaki na magbabahagi ng lupain sa inyo bilang mana: ang paring si Eleazar at si Josue na anak ni Nun. Maglalagay kayo ng isang pinuno sa bawat lipi upang maghati ng lupain bilang mana. Ito ang mga pangalan ng mga lalaki: sa lipi ni Juda ay si Caleb na anak ni Jefone. Sa lipi ng mga anak ni Simeon ay si Samuel na anak ni Amihud. Sa lipi ni Benjamin ay si Elidad na anak ni Chislon. Sa lipi ng mga anak ni Dan ay ang pinunong si Buki na anak ni Jogli. Sa mga anak ni Jose: sa lipi ng mga anak ni Manases ay ang pinunong si Haniel na anak ni Efod, sa lipi ng mga anak ni Efraim ay ang pinunong si Chemuel na anak ni Siftan; sa lipi ng mga anak ni Zebulon ay ang pinunong si Elisafan na anak ni Farnac; sa lipi ng mga anak ni Isacar ay ang pinunong si Paltiel na anak ni Azan; sa lipi ng mga anak ni Aser ay ang pinunong si Ahiud na anak ni Selomi; at sa lipi ng mga anak ni Neftali ay ang pinunong si Pedael na anak ni Amihud. Ito ang mga inutusan ng PANGINOON na mamahagi ng mana sa mga anak ni Israel sa lupain ng Canaan. At nagsalita ang PANGINOON kay Moises sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico, na sinasabi, "Iutos mo sa mga anak ni Israel na kanilang bigyan ang mga Levita mula sa mana na kanilang pag-aari, ng mga lunsod na matitirahan. Ang mga pastulan sa palibot ng mga lunsod na iyon ay ibibigay rin ninyo sa mga Levita. Magiging kanila ang mga lunsod upang tirahan; at ang kanilang mga pastulan ay para sa kanilang mga kawan, mga pag-aari, at sa lahat nilang mga hayop. Ang mga pastulan sa mga lunsod na inyong ibibigay sa mga Levita ay isang libong siko sa palibot mula sa pader ng lunsod hanggang sa dakong labas. Ang inyong susukatin sa labas ng lunsod sa dakong silangan ay dalawang libong siko, at sa dakong timog ay dalawang libong siko, at sa kanluran ay dalawang libong siko, at sa dakong hilaga ay dalawang libong siko, na ang lunsod ay sa gitna. Ito ang magiging kanilang mga pastulan sa mga lunsod. Ang mga lunsod na inyong ibibigay sa mga Levita ay ang anim na lunsod na kanlungan, na siya ninyong ibibigay na matatakasan ng nakamatay ng tao. Bukod pa dito ay magbibigay kayo ng apatnapu't dalawang lunsod. Lahat ng mga lunsod na inyong ibibigay sa mga Levita ay apatnapu't walong lunsod; kasama ang kanilang mga pastulan. Tungkol sa mga lunsod na inyong ibibigay mula sa ari-arian ng mga anak ni Israel ay kukuha kayo ng marami mula sa malalaking lipi at sa maliliit na lipi ay kukuha kayo ng kaunti; bawat isa ayon sa kanyang mana na kanyang minamana ay magbibigay ng kanyang mga lunsod sa mga Levita." At nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi, "Magsalita ka sa mga anak ni Israel at sabihin mo sa kanila, 'Pagtawid ninyo ng Jordan sa lupain ng Canaan, ay pipili kayo ng mga lunsod na magiging lunsod-kanlungan para sa inyo, upang ang nakamatay ng sinumang tao nang hindi sinasadya ay makatakas patungo doon. Ang mga lunsod na iyon ay magiging sa inyo'y kanlungan laban sa tagapaghiganti upang ang nakamatay ay huwag mamatay, hanggang sa siya'y tumayo sa harap ng kapulungan para hatulan. Ang mga lunsod na inyong ibibigay ay ang inyong anim na lunsod-kanlungan. Magbibigay kayo ng tatlong lunsod sa kabila ng Jordan, at tatlong lunsod ang ibibigay ninyo sa lupain ng Canaan upang maging mga lunsod-kanlungan. Ang anim na lunsod na ito ay magiging kanlungan para sa mga anak ni Israel, mga dayuhan, at sa mga makikipamayan sa kanila, upang ang bawat nakamatay ng sinumang tao nang hindi sinasadya ay makatakas patungo doon. Ngunit kung kanyang hampasin ang kanyang kapwa ng isang kasangkapang bakal, na anupa't namatay, siya nga'y mamamatay-tao; ang mamamatay-tao ay tiyak na papatayin. Kung kanyang pukpukin ng isang batong nasa kamay na ikamamatay at namatay nga, siya ay mamamatay-tao; ang mamamatay-tao ay tiyak na papatayin. O kung kanyang saktan ng isang sandatang kahoy na hawak sa kamay na ikamamatay ng tao, at namatay nga, siya ay mamamatay-tao; ang mamamatay-tao ay tiyak na papatayin. Ang tagapaghiganti ng dugo ay siyang papatay sa pumatay. Kapag natagpuan niya ay kanyang papatayin. Kung kanyang itinulak dahil sa poot, o kanyang pinukol ng isang bagay, na nagbabanta, anupa't siya'y namatay; o sa pakikipag-away ay nanuntok na anupa't namatay, ang nanuntok ay tiyak na papatayin; siya'y mamamatay-tao; ang tagapaghiganti ng dugo ay siyang papatay sa pumatay, kapag kanyang natagpuan siya. "Ngunit kung sa pagkabigla ay kanyang maitulak na walang alitan, o mahagisan niya ng anumang bagay na hindi tinambangan, o ng anumang bato na ikamamatay ng tao, na hindi niya nakikita at kanyang naihagis sa kanya, na anupa't namatay at hindi niya kaaway, at hindi niya pinaghahangaran ng masama; kung gayon ang kapulungan ang siyang hahatol sa mamamatay-tao at sa tagapaghiganti ng dugo, ayon sa mgabatas na ito. Ililigtas ng kapulungan ang nakamatay sa kamay ng tagapaghiganti ng dugo, at siya'y pababalikin ng kapulungan sa kanyang lunsod-kanlungan na kanyang tinakasan at siya'y mananatili roon hanggang sa pagkamatay ng pinakapunong pari, na binuhusan ng banal na langis. Ngunit kung ang nakamatay ay lumabas sa anumang panahon sa hangganan ng kanyang lunsod-kanlungan na kanyang tinakasan, at nakita siya ng tagapaghiganti ng dugo sa labas ng hangganan ng kanyang lunsod-kanlungan, at patayin ng tagapaghiganti ng dugo ang nakamatay, hindi siya mananagot sa dugo, sapagkat ang tao ay dapat manatili sa kanyang lunsod-kanlungan hanggang sa pagkamatay ng pinakapunong pari; ngunit pagkamatay ng pinakapunong pari ang nakamatay ay makakabalik sa lupain na kanyang pag-aari. "Ang mga bagay na ito ay magiging isang tuntunin at batas sa inyo sa buong panahon ng inyong mga salinlahi sa lahat ng inyong mga tirahan. Kung ang sinuman ay pumatay ng isang tao, ang pumatay ay papatayin sa patotoo ng mga saksi; ngunit walang taong maaaring patayin sa patotoo ng isang saksi. Bukod dito, huwag kayong tatanggap ng suhol para sa buhay ng mamamatay-tao na nagkasala ng pagpatay, kundi siya'y papatayin. Huwag kayong tatanggap ng suhol sa kaninumang tumakas sa kanyang lunsod-kanlungan, upang siya'y makabalik at manirahan sa kanyang lupain bago mamatay ang pinakapunong pari. Kaya't huwag ninyong parurumihin ang lupain na inyong kinaroroonan, sapagkat ang dugo ay nagpaparumi ng lupain at walang paglilinis na magagawa sa lupa dahil sa dugo na dumanak doon, maliban sa pamamagitan ng dugo ng taong nagpadanak niyon. Huwag ninyong durungisan ang lupain na inyong tinitirhan, sa kalagitnaan na aking tinitirhan; sapagkat ako ang PANGINOON ay naninirahan sa gitna ng mga anak ni Israel." Ang mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng mga anak ni Gilead, na anak ni Makir, na anak ni Manases, sa mga angkan ng mga anak ni Jose, ay lumapit at nagsalita sa harap ni Moises at ng mga pinuno, na mga puno sa mga sambahayan ng mga ninuno ng mga anak ni Israel. Sinabi nila, "Ang PANGINOON ay nag-utos sa aking panginoon na ibigay sa pamamagitan ng palabunutan ang lupain na pinakamana sa mga anak ni Israel at inutusan din naman ng PANGINOON ang aking panginoon na ibigay ang mana ni Zelofehad na aming kapatid sa kanyang mga anak na babae. Kung sila'y mag-asawa sa kaninuman sa mga anak ng ibang mga lipi ng mga anak ni Israel ay aalisin ang mana nila na mula sa mana ng aming mga ninuno, at idaragdag sa mana ng lipi na kinabibilangan nila; sa gayo'y aalisin ito sa manang nauukol sa amin. At pagdating ng jubileo ng mga anak ni Israel ay idaragdag ang kanilang mana sa mana ng lipi na kanilang kinabibilangan; sa gayo'y ang kanilang mana ay aalisin sa mana ng lipi ng aming mga ninuno." At iniutos ni Moises sa mga anak ni Israel ayon sa salita ng PANGINOON, na sinasabi, "Tama ang sinasabi ng lipi ng mga anak ni Jose." Ito ang bagay na iniutos ng PANGINOON tungkol sa mga anak na babae ni Zelofehad, na sinasabi, 'Hayaan silang mag-asawa sa sinumang iniisip nila na pinakamabuti; ngunit sa angkan ng lipi lamang ng kanilang ama. Sa gayon ay walang mana ng mga anak ni Israel ang magpapalipat-lipat sa iba't ibang lipi, sapagkat ang mga anak ni Israel ay mananatili sa isa sa mana ng lipi ng kanyang mga ninuno. Bawat anak na babae na nag-mamay-ari sa anumang lipi ng mga anak ni Israel ay mag-aasawa sa isa sa mga angkan ng lipi ng kanyang ama, upang mapanatili ng bawat isa sa mga anak ni Israel ang mana ng kanyang mga ninuno. Sa gayon ay hindi magpapalipat-lipat ang mana sa ibang lipi; sapagkat dapat manatili ang bawat lipi ng mga anak ni Israel sa kanyang sariling mana. Kung paanong iniutos ng PANGINOON kay Moises ay gayon ang ginawa ng mga anak na babae ni Zelofehad; sapagkat sina Mahla, Tirsa, Holga, Milca, at Noa, na mga anak na babae ni Zelofehad ay nagsipag-asawa sa mga anak ng mga kapatid ng kanilang ama. Sila'y nag-asawa sa mga angkan ng mga anak ni Manases na anak ni Jose; at ang kanilang mana ay naiwan sa lipi ng angkan ng ama nila. Ito ang mga utos at ang mga batas, na iniutos ng PANGINOON sa pamamagitan ni Moises sa mga anak ni Israel sa mga kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan sa Jerico. lto ang mga salitang sinabi ni Moises sa buong Israel sa kabila ng Jordan sa ilang, sa Araba na katapat ng Suf, sa pagitan ng Paran at ng Tofel, Laban, Haserot, at Dizahab. Iyon ay labing-isang araw na lakbayin mula sa Horeb kung daraan sa bundok ng Seir hanggang sa Kadesh-barnea. Nang unang araw ng ikalabing-isang buwan ng ikaapatnapung taon, nagsalita si Moises sa mga anak ni Israel ayon sa lahat ng iniutos ng PANGINOON sa kanya para sa kanila. Ito ay pagkatapos niyang talunin si Sihon na hari ng mga Amoreo, na naninirahan sa Hesbon, at si Og na hari ng Basan, na naninirahan sa Astarot at sa Edrei. Sa kabila ng Jordan sa lupain ng Moab, pinasimulan ni Moises na ipaliwanag ang kautusang ito gaya ng sumusunod: "Ang PANGINOON nating Diyos ay nagsalita sa atin sa Horeb, na nagsasabi, 'Kayo'y matagal nang naninirahan sa bundok na ito. Ipagpatuloy ninyo ang inyong paglalakbay at pumunta kayo sa lupaing maburol ng mga Amoreo, at sa lahat nitong kalapit na lugar, sa Araba na lupaing maburol at sa kapatagan, sa Negeb, at sa baybayin ng dagat, sa lupain ng mga Cananeo, sa Lebanon, hanggang sa malaking ilog ng Eufrates. Tingnan ninyo, inilagay ko na ang lupain sa harapan ninyo. Pasukin ninyo at angkinin ang lupain na ipinangako ng PANGINOON sa inyong mga ninuno, kina Abraham, Isaac, at Jacob, na ibibigay sa kanila at sa kanilang mga anak pagkamatay nila.' "At ako'y nagsalita sa inyo nang panahong iyon na sinasabi, 'Hindi ko kayo kayang dalhing mag-isa. Pinarami kayo ng PANGINOON ninyong Diyos, at kayo ngayon ay gaya ng mga bituin sa langit sa dami. Ang PANGINOON na Diyos ng inyong mga ninuno, nawa'y paramihin kayo ng makalibong ulit kaysa ngayon, at kayo nawa'y pagpalain ng gaya ng ipinangako niya sa inyo! Paano ko madadalang mag-isa ang mabigat na pasan ninyo at ng inyong mga alitan? Pumili kayo ng mga lalaking matatalino, may pang-unawa at may karanasan mula sa inyong mga lipi, at sila'y aking itatalaga bilang mga pinuno ninyo.' At kayo'y sumagot sa akin at nagsabi, 'Ang bagay na iyong sinabi ay mabuting gawin natin.' Kaya't kinuha ko ang mga pinuno ng inyong mga lipi, mga taong matatalino at may karanasan, at inilagay sila bilang mga pinuno ninyo, na mga pinuno ng libu-libo, mga pinuno ng daan-daan, mga pinuno ng lima-limampu, mga pinuno ng sampu-sampu, at mga pinuno sa inyong mga lipi. Inutusan ko ang inyong mga hukom nang panahong iyon: 'Pakinggan ninyo ang mga usapin ng inyong mga kapatid, at hatulan ng matuwid ang tao at ang kanyang kapatid, at ang dayuhan na kasama niya. Huwag kayong magtatangi ng tao sa paghatol; inyong parehong papakinggan ang hamak at ang dakila; huwag kayong matatakot sa mukha ng tao; sapagkat ang paghatol ay sa Diyos, at ang bagay na napakahirap sa inyo ay inyong dadalhin sa akin, at aking papakinggan.' Kaya't nang panahong iyon, aking iniutos sa inyo ang lahat ng mga bagay na inyong gagawin. "Pagkatapos, tayo ay naglakbay mula sa Horeb at ating tinahak ang malawak at nakakatakot na ilang na inyong nakita, sa daang patungo sa lupaing maburol ng mga Amoreo, na gaya ng iniutos ng PANGINOON nating Diyos sa atin, at tayo'y dumating sa Kadesh-barnea. Aking sinabi sa inyo, 'Inyong narating ang lupaing maburol ng mga Amoreo na ibinibigay sa atin ng PANGINOON nating Diyos. Tingnan mo, ibinibigay ng PANGINOON mong Diyos ang lupain sa harapan mo. Akyatin mo, angkinin mo, na gaya ng sinabi sa iyo ng PANGINOONG Diyos ng iyong mga ninuno; huwag kang matakot, o mangamba.' At lahat kayo'y lumapit sa akin, bawat isa sa inyo, at nagsabi, 'Tayo'y magsugo ng mga lalaki upang mauna sa atin, upang lihim nilang siyasatin ang lupain, at ibalita sa atin ang daang dapat nating tahakin, at ang mga lunsod na ating daratnan!' Ang panukala ay minabuti ko at ako'y kumuha ng labindalawang lalaki sa inyo, isang lalaki sa bawat lipi. Sila'y pumihit at umahon sa lupaing maburol at dumating sa libis ng Escol, at kanilang lihim na siniyasat. At sila'y kumuha ng bunga ng lupain at ibinaba iyon sa atin, at ibinalita, 'Ang lupaing ibinibigay sa atin "Gayunma'y hindi kayo umakyat, kundi naghimagsik kayo laban sa utos ng PANGINOON ninyong Diyos, at kayo'y nagbulung-bulungan sa inyong mga tolda, at sinabi, 'Dahil kinapootan tayo ng PANGINOON, kanyang inilabas tayo sa lupain ng Ehipto upang tayo'y ibigay sa kamay ng mga Amoreo upang tayo'y lipulin. Saan tayo aahon? Pinapanghina ng ating mga kapatid ang ating puso, na sinasabi, "Nakita namin doon ang mga taong malalaki at matataas kaysa atin. Ang mga bayan ay malalaki at may pader hanggang sa langit, gayundin nakita namin ang mga anak ng Anakim roon."' Nang magkagayo'y sinabi ko sa inyo, 'Huwag kayong mangilabot ni matakot sa kanila. Ang PANGINOON ninyong Diyos, na nangunguna sa inyo ay siyang makikipaglaban para sa inyo, gaya ng kanyang ginawa para sa inyo sa Ehipto sa inyong harapan. at sa ilang, na doon ay inyong nakita kung paanong dinala kayo ng PANGINOON ninyong Diyos, na gaya ng pagdadala ng tao sa kanyang anak, sa lahat ng daang inyong nilakaran hanggang sa makarating kayo sa dakong ito.' Gayunma'y sa kabila ng bagay na ito ay hindi kayo sumampalataya sa PANGINOON ninyong Diyos, na nanguna sa inyo sa daan, upang ihanap kayo ng dakong mapagtatayuan ng inyong mga tolda na nasa apoy kapag gabi, at nasa ulap kapag araw, upang ituro sa inyo ang daang dapat ninyong lakaran. "Nang marinig ng PANGINOON ang inyong mga salita, siya ay nagalit at sumumpa na sinasabi, Wala ni isa man sa mga taong mula sa masamang salinlahing ito ang makakakita ng mabuting lupain na aking ipinangakong ibibigay sa inyong mga ninuno, maliban kay Caleb na anak ni Jefone. Makikita niya iyon at ibibigay ko sa kanya at sa mga anak niya ang lupain na kanyang nilakaran, sapagkat siya'y lubos na sumunod sa PANGINOON.' Ang PANGINOON ay nagalit din sa akin, dahil sa inyo, na nagsasabi, 'Ikaw man ay hindi papasok doon. Si Josue na anak ni Nun, na iyong lingkod. ay siyang papasok doon. Palakasin mo ang kanyang loob, sapagkat siya ang mangunguna upang ito ay manahin ng Israel. Bukod dito, ang inyong mga bata na inyong sinasabing magiging biktima, at ang inyong mga anak na sa araw na ito ay hindi nakakaalam ng mabuti o ng masama, ay siyang papasok doon, at sa kanila'y aking ibibigay, at ito'y kanilang aangkinin. Ngunit tungkol sa inyo, bumalik kayo at maglakbay sa ilang sa daang patungo sa Dagat na Pula.' "At kayo ay sumagot at sinabi sa akin, 'Kami ay nagkasala laban sa PANGINOON, kami ay aahon at lalaban, ayon sa iniutos sa amin ng PANGINOON naming Diyos.' At bawat isa sa inyo ay nagsakbat ng kanya-kanyang sandatang pandigma, at inyong inakalang madaling akyatin ang lupaing maburol. Kaya't sinabi sa akin ng PANGINOON, 'Sabihin mo sa kanila, Huwag kayong umakyat, ni lumaban, sapagkat ako'y wala sa inyong kalagitnaan. Baka kayo'y matalo sa harapan ng inyong mga kaaway.' Gayon ang sinabi ko sa inyo, ngunit hindi kayo nakinig kundi kayo'y naghimagsik laban sa utos ng PANGINOON, at naghambog at umakyat sa lupaing maburol. Ang mga Amoreo na naninirahan sa lupaing maburol na iyon ay lumabas laban sa inyo, at kayo'y hinabol, na gaya ng ginagawa ng mga pukyutan, at kayo'y tinalo sa Seir hanggang sa Horma. Kayo'y bumalik at umiyak sa harapan ng PANGINOON, ngunit hindi dininig ng PANGINOON ang inyong tinig, ni pinakinggan kayo. Kaya't kayo'y nanatili nang maraming araw sa Kadesh, ayon sa mga araw na inyong inilagi roon. "Pagkatapos, tayo ay naglakbay pabalik sa ilang patungo sa Dagat na Pula, gaya ng sinabi sa akin ng PANGINOON; at tayo'y lumigid ng maraming araw sa bundok ng Seir. At nagsalita ang PANGINOON sa akin, na sinasabi, 'Matagal na ninyong naligid ang bundok na ito; lumiko kayo sa dakong hilaga. At iutos mo ang ganito sa taong-bayan: Kayo'y daraan sa nasasakupan ng inyong mga kapatid na mga anak ni Esau, na naninirahan sa Seir; at sila'y matatakot sa inyo kaya't mag-ingat kayong mabuti. Huwag kayong makipaglaban sa kanila, sapagkat hindi ko ibibigay sa inyo ang alinman sa kanilang lupain, kahit na ang tuntungan ng talampakan ng isang paa, sapagkat ibinigay ko na kay Esau ang bundok ng Seir bilang ari-arian. Kayo'y bibili ng pagkain sa kanila sa pamamagitan ng salapi upang kayo'y makakain; at kayo'y bibili rin sa kanila ng tubig sa pamamagitan ng salapi upang kayo'y makainom. Sapagkat pinagpala ka ng PANGINOON mong Diyos sa lahat ng gawa ng iyong kamay; kanyang nalalaman ang iyong paglalakbay dito sa malawak na ilang; ang PANGINOON mong Diyos ay nakasama mo nitong apatnapung taon at ikaw ay di kinulang ng anuman.' Kaya't tayo'y nagpatuloy palayo sa ating mga kapatid, na mga anak ni Esau, na nakatira sa Seir, palayo sa daan ng Araba, mula sa Elat at Ezion-geber. "Tayo'y pumihit at dumaan sa ilang ng Moab. At sinabi sa akin ng PANGINOON, 'Huwag mong guluhin ang Moab, ni kalabanin sila sa digmaan, sapagkat hindi ko ibibigay ang kanilang lupain sa iyo bilang pag-aari, sapagkat aking ibinigay na pag-aari ang Ar sa mga anak ni Lot.' (Ang mga Emita ay tumira doon noong una, isang bayang malaki at marami, at matataas na gaya ng mga Anakim. Ang mga ito man ay itinuturing na mga Refaim, na gaya ng mga Anakim; ngunit tinatawag silang Emita ng mga Moabita. Ang mga Horita ay nanirahan din sa Seir noong una, ngunit ito ay binawi sa kanila ng mga anak ni Esau at pinuksa sila nang harapan at nanirahang kapalit nila, gaya ng ginawa ng Israel sa lupaing kanyang pag-aari na ibinigay ng PANGINOON sa kanila.) 'Ngayon, tumindig kayo at tumawid sa batis ng Zared.' At tayo'y tumawid sa batis ng Zared. Ang panahon mula nang tayo ay lumabas sa Kadesh-barnea hanggang sa tayo'y nakarating sa batis ng Zared ay tatlumpu't walong taon, hanggang sa ang buong lahi ng mga lalaking mandirigma ay malipol sa gitna ng kampo, gaya ng ipinangako sa kanila ng PANGINOON. Talagang ang PANGINOON ay laban sa kanila, upang lipulin sila sa gitna ng kampo, hanggang sa sila'y nalipol. "Kaya't nang mapuksa at mamatay sa gitna ng bayan ang lahat ng lalaking mandirigma, ay sinabi sa akin ng PANGINOON, 'Ikaw ay daraan sa araw na ito sa hangganan ng Moab sa Ar. Kapag ikaw ay papalapit na sa hangganan ng mga anak ni Ammon, huwag mo silang guluhin ni makipaglaban sa kanila, sapagkat hindi ko ibibigay sa iyo ang lupain ng mga anak ni Ammon yamang ibinigay ko na ito bilang pag-aari ng mga anak ni Lot.' (Iyon ay kilala rin na lupain ng mga Refaim: ang mga Refaim ang nanirahan doon noong una, ngunit sila ay tinawag na mga Zamzumim ng mga Ammonita, isang lunsod na malaki, marami at matataas na gaya ng mga Anakim; ngunit sila ay pinuksa ng PANGINOON nang harapan. Sila'y sinamsaman at nanirahang kapalit nila. Gayundin ang kanyang ginawa sa mga anak ni Esau na naninirahan sa Seir, nang kanyang puksain ng harapan ang mga Horita. Sila'y sinamsaman at nanirahang kapalit nila hanggang sa araw na ito. Tungkol naman sa mga Avim na naninirahan sa mga nayon hanggang sa Gaza, ang mga Caftoreo na nagmula sa Caftor, lipulin ninyo sila at manirahang kapalit nila.) 'Tumindig kayo, at maglakbay. Dumaan kayo sa libis ng Arnon, at ibinigay ko na sa iyong kamay si Sihon na Amoreo, na hari ng Hesbon, at ang kanyang lupain. Pasimulan mong angkinin, at kalabanin mo siya sa digmaan. Sa araw na ito ay pasisimulan kong ilagay ang pagkasindak at pagkatakot sa inyo sa mga bayang nasa ilalim ng buong langit, na makakarinig ng balita tungkol sa iyo. Manginginig at mahahapis sila dahil sa iyo.' "Kaya't ako'y nagpadala ng mga sugo mula sa ilang ng Kedemot kay Sihon na hari ng Hesbon na may mga salita ng kapayapaan, na sinasabi, 'Paraanin mo ako sa iyong lupain. Sa lansangan lamang ako daraan, hindi ako liliko sa kanan ni sa kaliwa. Pagbilhan mo ako ng pagkain kapalit ng salapi, upang makakain ako, at bigyan mo ako ng tubig kapalit ng salapi, upang makainom ako; paraanin mo lamang ako, gaya nang ginawa sa akin ng mga anak ni Esau na naninirahan sa Seir, at ng mga Moabita na naninirahan sa Ar, hanggang makatawid ako sa Jordan, sa lupaing ibinibigay sa amin ng PANGINOON naming Diyos.' Ngunit ayaw tayong paraanin ni Sihon na hari ng Hesbon; sapagkat pinapagmatigas ng PANGINOON mong Diyos ang kanyang espiritu at kanyang puso, upang maibigay siya sa iyong kamay gaya sa araw na ito. Sinabi sa akin ng PANGINOON, pinasimulan ko nang ibigay sa iyo si Sihon at ang kanyang lupain, pasimulan mong kunin upang matirahan ang kanyang lupain.' At dumating si Sihon upang kami ay harapin, siya at ang kanyang buong bayan, upang makipagdigmaan sa Jahaz. Ibinigay siya ng PANGINOON nating Diyos sa harapan natin; at ginapi natin siya at ang kanyang mga anak, at ang kanyang buong bayan. At nasakop natin ang lahat ng kanyang mga lunsod nang panahong iyon, at ganap na winasak ang bawat lunsod, mga lalaki, mga babae, at mga bata; wala tayong itinira. Ang mga hayop lamang ang para sa ating sarili, at sinamsaman ang mga lunsod na ating sinakop. Mula sa Aroer na nasa tabing libis ng Arnon at mula sa lunsod na nasa libis hanggang sa Gilead, ay walang lunsod na napakataas para sa atin. Ang lahat ay ibinigay na sa atin ng PANGINOON nating Diyos. Hindi lamang kayo lumapit sa lupain ng mga anak ni Ammon; sa alinmang bahagi sa buong pampang ng ilog Jaboc at sa mga lunsod ng lupaing maburol, at sa lahat na ipinagbawal sa atin ng PANGINOON nating Diyos. "Pagkatapos, tayo'y pumihit at umahon sa daang patungo sa Basan, at si Og na hari ng Basan at ang kanyang buong lunsod ay lumabas upang tayo ay harapin, upang makipaglaban sa Edrei. Ngunit sinabi sa akin ng PANGINOON, 'Huwag kang matakot sa kanya, sapagkat ibinigay ko na siya sa iyong kamay, at ang kanyang buong bayan, at ang kanyang lupain. At gagawin mo sa kanya ang gaya ng ginawa mo kay Sihon na hari ng mga Amoreo, na nanirahan sa Hesbon.' Ibinigay din ng PANGINOON nating Diyos sa ating kamay si Og, na hari ng Basan, at ang buong lunsod niya; at ating pinuksa siya hanggang sa walang natira sa kanya. Ating sinakop ang lahat ng kanyang mga lunsod nang panahong iyon; walang lunsod na hindi natin inagaw sa kanila; animnapung lunsod ang buong lupain ng Argob na kaharian ni Og sa Basan. Ang lahat ng mga lunsod nito'y napapaligiran ng matataas na pader, mga pintuang-lunsod at mga halang; bukod pa ang napakaraming mga nayong walang pader. Pinuksa natin silang lahat, na gaya ng ating ginawa kay Sihon na hari ng Hesbon, ating pinuksa ang bawat lunsod, ang mga lalaki, mga babae, at mga bata. Sinamsam natin ang mga hayupan at ang nasamsam sa mga lunsod ay ating dinala. Ating sinakop ang lupaing nasa kabila ng Jordan mula sa libis ng Arnon hanggang sa bundok ng Hermon mula sa kamay ng dalawang hari ng mga Amoreo (tinatawag ng mga taga-Sidon ang Hermon na Sirion, at ito ay tinatawag ng mga Amoreo na Senir), lahat ng mga lunsod sa kapatagan, at ang buong Gilead, at ang buong Basan, hanggang Saleca at Edrei, ang mga lunsod ng kaharian ni Ogsa Basan. (Sapagkat tanging si Og na hari ng Basan ang natira sa nalabi sa mga Refaim. Ang kanyang higaan ay higaang bakal; hindi ba't ito'y nasa Rabba sa mga anak ni Ammon? Siyam na siko ang haba at apat na siko ang luwang nito, ayon sa karaniwang siko. "Ito ang mga lupaing ating sinakop nang panahong iyon; mula sa Aroer, na nasa gilid ng libis ng Arnon, at kalahati ng lupaing maburol ng Gilead, at ang mga lunsod nito, ay aking ibinigay sa mga Rubenita at sa mga Gadita; ang ibang bahagi ng Gilead, at ang buong Basan na kaharian ni Og, ang buong lupain ng Argob, ay aking ibinigay sa kalahating lipi ni Manases. (Ang buong Basan ay tinatawag na lupain ng mga Refaim. Sinakop ni Jair na anak ni Manases ang buong lupain ng Argob na ito ng Basan, hanggang sa hangganan ng mga Geshureo at ng mga Macatita; tinawag niya ang mga nayon ayon sa kanyang pangalang Havot-jair hanggang sa araw na ito.) At aking ibinigay ang Gilead kay Makir. Sa mga Rubenita at sa mga Gadita ay aking ibinigay ang mula sa Gilead hanggang sa libis ng Arnon, na siyang kalahatian ng libis, bilang hangganan niyon hanggang sa ilog Jaboc, na siyang hangganan ng mga anakniAmmon; pati ng Araba at ng Jordan at ng hangganan niyon, mula sa Cineret hanggang sa Dagat ng Araba na Dagat ng Asin, sa ibaba ng gulod ng Pisga sa dakong silangan. 'At kayo'y aking inutusan nang panahong iyon, na sinasabi, 'Ibinigay sa inyo ng PANGINOON ninyong Diyos ang lupaing ito upang angkinin; kayong lahat na mandirigma ay daraang may sandata sa harapan ng inyong mga kapatid na mga anak ni Israel. Tanging ang inyong mga asawa at ang inyong mga bata, at ang inyong mga hayop (alam ko na kayo'y mayroong maraming hayop) ang mananatili sa inyong mga lunsod na aking ibinigay sa inyo, hanggang sa bigyan ng PANGINOON ng kapahingahan ang inyong mga kapatid, na gaya ninyo, at kanilang angkinin din ang lupain na ibinigay sa kanila ng PANGINOON ninyong Diyos sa kabila ng Jordan. Pagkatapos ay babalik ang bawat lalaki sa inyo sa kanyang pag-aari na aking ibinigay sa inyo. At aking iniutos kay Josue nang panahong iyon, na sinasabi, 'Nakita ng iyong mga mata ang lahat ng ginawa ng PANGINOON mong Diyos sa dalawang haring ito; gayon ang gagawin ng PANGINOON sa lahat ng mga kahariang iyong daraanan. Huwag kayong matakot sa kanila sapagkat ang PANGINOON ninyong Diyos ang makikipaglaban para sa inyo.' "Ako'y nanalangin sa PANGINOON nang panahon ding iyon, na sinasabi, 'O Panginoong DIYOS, pinasimulan mong ipakita sa iyong lingkod ang iyong kadakilaan at ang iyong kamay na makapangyarihan: sino ang diyos sa langit o sa lupa ang makakagawa ng tulad sa iyong mga gawa ng iyong kapangyarihan? Hinihiling ko sa iyo, patawirin mo ako at nang aking makita ang mabuting lupaing nasa kabila ng Jordan, ang mainam na lupaing maburol at ang Lebanon.' Ngunit ang PANGINOON ay nagalit sa akin dahil sa inyo, at hindi ako pinakinggan. At sinabi sa akin ng PANGINOON, 'Huwag ka nang magsalita pa sa akin ng tungkol sa bagay na ito. Umahon ka sa taluktok ng Pisga at igala mo ang iyong paningin sa dakong kanluran, sa hilaga, sa timog, at sa silangan, at masdan mo sapagkat hindi ka makatatawid sa Jordang ito. Ngunit utusan mo si Josue, at palakasin mo ang kanyang loob at patatagin mo siya sapagkat siya'y tatawid na nangunguna sa bayang ito, at kanyang ipapamana sa kanila ang lupain na iyong makikita.' Kaya't nanatili tayo sa libis na nasa tapat ng Bet-peor. "At ngayon, O Israel, pakinggan mo ang mga tuntunin at ang mga batas, na aking itinuturo at inyong gawin ang mga ito upang kayo'y mabuhay, at pumasok at angkinin ang lupaing ibinibigay sa inyo ng PANGINOONG Diyos ng inyong mga ninuno. Huwag ninyong daragdagan ni babawasan ang salita na aking iniuutos sa inyo, upang inyong matupad ang mga utos ng PANGINOON ninyong Diyos na aking iniuutos sa inyo. Nakita ng inyong mga mata ang ginawa ng PANGINOON sa Baal-peor; sapagkat lahat ng mga tao na sumunod kay Baal-peor ay pinuksa ng PANGINOON mong Diyos sa gitna mo. Ngunit kayong humawak ng matatag sa PANGINOON ninyong Diyos ay buhay na lahat sa araw na ito. Tinuruan ko kayo ng mga tuntunin at ng mga batas, na gaya ng iniutos sa akin ng PANGINOON kong Diyos upang inyong gawin sa gitna ng lupain na inyong paroroonan upang angkinin. Tuparin ninyo at inyong gawin, sapagkat ito ang inyong magiging karunungan at kaalaman sa paningin ng mga tao na makakarinig ng mga tuntuning ito, at magsasabi, Tunay na ang dakilang bansang ito ay matalino at may pagkaunawa.' Sapagkat aling dakilang bansa ang may Diyos na napakalapit sa kanila, na gaya ng PANGINOON nating Diyos tuwing tumatawag tayo sa kanya? At aling dakilang bansa ang may mga tuntunin at mga batas na napakatuwid na gaya ng buong kautusang ito na aking inilagay sa harapan ninyo sa araw na ito? "Mag-ingat ka lamang sa iyong sarili, at ingatan mo ang iyong kaluluwa ng buong sikap, baka malimutan mo ang mga bagay na nakita ng iyong mga mata, at baka mahiwalay sa iyong puso ang lahat ng araw ng iyong buhay. Ipaalam mo ito sa iyong mga anak at sa mga anak ng iyong mga anak. Nang araw na ikaw ay tumayo sa harapan ng PANGINOON mong Diyos sa Horeb, nang sabihin sa akin ng PANGINOON, Tipunin mo sa akin ang bayan, at aking iparirinig sa kanila ang aking mga salita, upang sila'y matutong matakot sa akin sa lahat ng araw ng kanilang buhay sa lupa, at upang kanilang maituro sa kanilang mga anak. Kayo'y lumapit at tumayo sa ibaba ng bundok samantalang ito ay nagningas sa apoy hanggang sa langit, at nabalot ng dilim, ulap, at makapal na kadiliman. Ang PANGINOON ay nagsalita sa inyo mula sa gitna ng apoy. Narinig ninyo ang tunog ng mga salita, ngunit wala kayong anyong nakita; tanging tinig lamang. At kanyang ipinahayag sa inyo ang kanyang tipan na kanyang iniutos na inyong ganapin, samakatuwid ay ang sampung utos; at kanyang isinulat ang mga ito sa dalawang tapyas na bato. Iniutos sa akin ng PANGINOON nang panahong iyon na turuan ko kayo ng mga tuntunin at mga batas upang inyong gawin sa lupaing inyong paroroonan upang angkinin. "Kaya't ingatan ninyong mabuti ang inyong sarili. Yamang wala kayong nakitang anumang anyo nang araw na magsalita ang PANGINOON sa inyo sa Horeb mula sa gitna ng apoy, baka kayo'y magpakasama, at kayo'y gumawa para sa inyong sarili ng isang larawang inanyuan na kawangis ng alinmang larawan, na katulad ng lalaki o babae, na kahawig ng anumang hayop na nasa lupa, at anumang ibong may pakpak na lumilipad sa himpapawid, na kahawig ng anumang bagay na gumagapang sa lupa, at anumang isda na nasa tubig sa ilalim ng lupa. Baka itingin mo ang iyong mga mata sa langit, at kung iyong makita ang araw, buwan, bituin, at lahat ng hukbo ng sangkalangitan ay matukso ka at iyong sambahin at paglingkuran sila na inilagay ng PANGINOON ninyong Diyos sa lahat ng mga bayan na nasa ilalim ng buong langit. Ngunit kinuha kayo ng PANGINOON, at hinango kayo sa hurnong bakal, mula sa Ehipto, upang maging isang bayan na kanyang pag-aari, isang pamana, gaya sa araw na ito. At nagalit sa akin ang PANGINOON dahil sa inyong mga salita, at sumumpa na ako'y hindi tatawid sa Jordan, at hindi ako papasok sa mabuting lupaing ibinibigay ng PANGINOON mong Diyos sa iyo bilang pamana. Kundi ako'y nararapat mamatay sa lupaing ito, ako'y hindi nararapat tumawid sa Jordan. Ngunit kayo'y tatawid at inyong aangkinin ang mabuting lupaing ito. Mag-ingat kayo sa inyong sarili, upang huwag ninyong malimutan ang tipan ng PANGINOON ninyong Diyos, na kanyang pinagtibay sa inyo. Huwag kayong gagawa ng larawang inanyuan na katulad ng anumang bagay na ipinagbawal sa iyo ng PANGINOON mong Diyos. Sapagkat ang PANGINOON mong Diyos ay isang apoy na tumutupok at isang Diyos na mapanibughuin. "Kapag ikaw ay nagkaanak at nagkaanak ang inyong mga anak, at nagtagal kayo sa lupain, at nagpakasama kayo, at gumawa kayo ng larawang inanyuan na katulad ng anumang bagay, at gumawa kayo ng masama sa paningin ng PANGINOON mong Diyos, upang siya ay galitin; aking tinatawag ang langit at ang lupa upang sumaksi laban sa inyo sa araw na ito, upang kayo'y kaagad na mamatay sa lupain na inyong patutunguhan sa kabila ng Jordan upang angkinin, hindi ninyo mapapatagal ang inyong mga araw doon, kundi kayo'y lubos na mapupuksa. Ikakalat kayo ng PANGINOON sa mga bayan, at kayo'y maiiwang iilan sa bilang sa gitna ng mga bansa na pagtatabuyan sa inyo ng PANGINOON. Doo'y maglilingkod kayo sa ibang mga diyos na yari ng mga kamay ng mga tao, kahoy at bato na hindi nakakakita, ni nakakarinig, ni nakakakain, ni nakakaamoy. Ngunit kung mula roon ay iyong hahanapin ang PANGINOON mong Diyos, siya ay iyong matatagpuan kung iyong hahanapin ng buong puso at buong kaluluwa. Sa iyong kapighatian, kapag lahat ng mga bagay na ito ay dumating sa iyo sa mga huling araw, ay magbabalik-loob ka sa PANGINOON mong Diyos, at iyong papakinggan ang kanyang tinig. Sapagkat ang PANGINOON mong Diyos ay maawaing Diyos. Hindi ka niya pababayaan, ni lilipulin ka niya, ni kakalimutan ang tipan sa iyong mga ninuno na kanyang ipinangako sa kanila. "Sapagkat ipagtanong mo nga ang mga araw na nagdaan na nauna sa iyo, mula nang araw na lalangin ng Diyos ang tao sa ibabaw ng lupa, at mula sa isang hangganan ng langit hanggang sa kabila, kung nagkaroon ng isang bagay na higit na dakila kaysa rito, o may narinig na gaya nito? Mayroon bang mga tao na nakarinig ng tinig ng Diyos na nagsalita sa gitna ng apoy, gaya ng narinig mo, at nabubuhay pa? O may Diyos kaya na nagtangkang humayo at sumakop ng isang bansa sa gitna ng ibang bansa sa pamamagitan ng mga pagsubok, mga tanda, mga kababalaghan, digmaan, makapangyarihang kamay, ng unat na bisig, at ng kakilakilabot na pagpapakita ng kapangyarihan ayon sa lahat na ginawa ng PANGINOON mong Diyos sa iyo sa Ehipto, sa harapan ng iyong paningin? Ipinakita sa iyo ito, upang makilala mo na ang PANGINOON ay siyang Diyos; wala nang iba liban sa kanya. Mula sa langit ay ipinarinig niya sa iyo ang kanyang tinig, upang kanyang turuan ka. Sa ibabaw ng lupa ay kanyang ipinakita sa iyo ang kanyang dakilang apoy, at iyong narinig ang kanyang mga salita sa gitna ng apoy. At sapagkat minahal niya ang iyong mga ninuno at pinili ang kanilang mga anak pagkatapos nila, at inilabas ka sa Ehipto na kasama niya, sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan, na pinalayas sa harapan mo ang mga bansang ialong malalaki at makapangyarihan kaysa sa iyo, upang ikaw ay kanyang papasukin, upang ibigay sa iyo ang kanilang lupain bilang pamana, gaya sa araw na ito. Kaya't alamin mo sa araw na ito at ilagay sa iyong puso, na ang PANGINOON ay siyang Diyos sa itaas sa langit at sa ibaba sa lupa; wala nang iba pa. Kaya't tuparin mo ang kanyang mga tuntunin at mga utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, upang kayo ay mapabuti, at ng inyong mga anak pagkamatay mo, at upang mapahaba mo ang iyong mga araw sa ibabaw ng lupaing ibinibigay sa iyo magpakailanman ng PANGINOON mong Diyos." Nang magkagayo'y ibinukod ni Moises ang tatlong lunsod sa silangan sa kabila ng Jordan, upang ang nakamatay ng tao ay makatakas patungo doon, na nakamatay sa kanyang kapwa na hindi sinasadya, na hindi niya naging kaaway nang nakaraan; na sa pagtakas sa isa sa mga lunsod na ito ay maaari niyang iligtas ang kanyang buhay: Ang Bezer sa ilang, sa kapatagang lupa na para sa mga Rubenita; at sa Ramot sa Gilead na para sa mga Gadita; at ang Golan sa Basan na para sa mga anak ni Manases. Ito ang kautusang inilagay ni Moises sa harapan ng mga anak ni Israel. Ito ang mga patotoo, mga tuntunin, at mga batas na sinalita ni Moises sa mga anak ni Israel nang sila'y lumabas sa Ehipto, sa kabila ng Jordan, sa libis na nasa tapat ng Bet-peor, sa lupain ni Sihon na hari ng mga Amoreo na tumira sa Hesbon, na nilupig ni Moises at ng mga anak ni Israel nang sila'y umalis sa Ehipto, Kanilang inangkin ang kanyang lupain at ang lupain ni Og na hari sa Basan, ang dalawang hari ng mga Amoreo, na nanirahan sa dakong silangan sa kabila ng Jordan; mula sa Aroer na nasa hangganan ng libis ng Arnon, hanggang sa bundok ng Sirion (na siya ring Hermon), at ang buong Araba sa kabila ng Jordan sa dakong silangan hanggang sa Dagat ng Araba sa ibaba ng gulod ng Pisga. Tinawag ni Moises ang buong Israel, at sinabi sa kanila, "Pakinggan mo, O Israel, ang mga tuntunin at mga batas na aking binibigkas sa inyong mga pandinig sa araw na ito, at dapat ninyong matututuhan ang mga ito, at maging maingat na isagawa ang mga ito. Ang PANGINOONG ating Diyos ay nakipagtipan sa atin sa Horeb. Ang tipang ito ay hindi ginawa ng PANGINOON sa ating mga ninuno, kundi sa atin, sa ating lahat na nariritong buhay sa araw na ito. Ang PANGINOON ay nakipag-usap sa inyo nang mukhaan sa bundok mula sa gitna ng apoy. Ako'y tumayo sa pagitan ninyo at ng PANGINOON nang panahong iyon upang ipahayag sa inyo ang salita ng PANGINOON; sapagkat kayo'y natakot dahil sa apoy, at hindi kayo umakyat sa bundok. Kanyang sinabi: " 'Ako ang PANGINOON mong Diyos na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin. " 'Huwag kang magkakaroon ng ibang mga diyos sa harapan ko. " 'Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan na kawangis ng anumang nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa. Huwag mo silang yuyukuran o paglilingkuran man sila, sapagkat akong PANGINOON mong Diyos ay Diyos na mapanibughuin, na aking dinadalaw ang kasamaan ng mga magulang hanggang sa mga anak, sa ikatlo at sa ikaapat na salinlahi ng mga napopoot sa akin, ngunit pinagpapakitaan ko ng wagas na pag-ibig ang libu-libong umiibig sa akin at tumutupad ng aking mga utos. " 'Huwag mong gagamitin ang pangalan ng PANGINOON mong Diyos sa walang kabuluhan; sapagkat hindi ituturing ng PANGINOON na walang sala ang gumamit ng kanyang pangalan sa walang kabuluhan. " 'Ipangilin mo ang araw ng Sabbath, at ingatan mo itong banal, gaya ng iniuutos sa iyo ng PANGINOON mong Diyos. Anim na araw na gagawa ka, at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain, ngunit ang ikapitong araw ay Sabbath sa PANGINOON mong Diyos. Sa araw na iyan ay huwag kang gagawa ng anumang gawa, ikaw, ni ang iyong anak na lalaki o anak na babae, ni ang iyong aliping lalaki o aliping babae, ni ang iyong baka, ni ang iyong asno, ni anuman sa iyong hayop, ni ang mga dayuhang nasa loob ng iyong mga pintuan, upang ang iyong aliping lalaki at aliping babae ay makapagpahingang gaya mo. Aalalahanin mo na ikaw ay naging alipin sa lupain ng Ehipto, at ikaw ay inilabas doon ng PANGINOON mong Diyos sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay at unat na bisig. Kaya't iniutos sa iyo ng PANGINOON mong Diyos na ipangilin mo ang araw ng Sabbath. " 'Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina, gaya ng iniutos sa iyo ng PANGINOON mong Diyos; upang ang iyong mga araw ay humaba pa at para sa ikabubuti mo sa lupain na ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos. "'Huwag kang papatay. " 'Ni huwag kang mangangalunya. "'Ni huwag kang magnanakaw. " 'Ni huwag kang sasaksi sa kasinungalingan laban sa iyong kapwa. " 'Ni huwag mong iimbutin ang asawa ng iyong kapwa; ni huwag mong pagnanasaan ang bahay ng iyong kapwa, ang kanyang bukid, ni ang kanyang aliping lalaki, o aliping babae, ni ang kanyang baka, ni ang kanyang asno, ni anumang bagay ng iyong kapwa.' "Ang mga salitang ito ay sinabi ng PANGINOON sa lahat ng inyong pagtitipon sa bundok mula sa gitna ng apoy, sa ulap, at sa makapal na kadiliman, na may malakas na tinig; at hindi na niya dinagdagan pa. At kanyang isinulat sa dalawang tapyas na bato, at ibinigay ang mga ito sa akin. Nang inyong marinig ang tinig mula sa gitna ng kadiliman, samantalang ang bundok ay nagliliyab sa apoy ay lumapit kayo sa akin, ang lahat ng mga pinuno sa inyong mga lipi, at ang inyong matatanda; at inyong sinabi, 'Ipinakita sa amin ng PANGINOON nating Diyos ang kanyang kaluwalhatian at kadakilaan. Aming narinig ang kanyang tinig mula sa gitna ng apoy; aming nakita sa araw na ito na ang Diyos ay nakikipag-usap sa tao, at ang tao ay nabubuhay pa. Ngayon, bakit kailangang mamamatay kami? Sapagkat tutupukin kami ng napakalaking apoy na ito; kapag aming narinig pa ang tinig ng PANGINOON nating Diyos, kami ay mamamatay. Sapagkat sino sa lahat ng laman na nakarinig ng tinig ng buhay na Diyos na nagsasalita mula sa gitna ng apoy, na gaya namin, at nabuhay pa? Lumapit ka at iyong pakinggan ang lahat ng sasabihin ng PANGINOON nating Diyos, at iyong sabihin sa amin ang lahat na sasabihin sa iyo ng PANGINOON nating Diyos, at aming papakinggan, at gagawin ito.' "At narinig ng PANGINOON ang inyong mga salita, nang kayo'y nagsalita sa akin. Sinabi ng PANGINOON sa akin, 'Aking narinig ang tinig ng bayang ito, na kanilang sinabi sa iyo; mabuti ang kanilang pagkasabi ng lahat na kanilang sinabi. Ang kanila nawang isipan ay maging laging ganito, na matakot sa akin, at kanilang tuparin ang lahat ng aking mga utos para sa ikabubuti nila at pati ng kanilang mga anak magpakailanman! Humayo ka at sabihin mo sa kanila, "Bumalik kayo sa inyong mga tolda." Ngunit tungkol sa iyo, manatili ka rito sa akin at aking sasabihin sa iyo ang lahat ng utos, mga tuntunin at ang mga kahatulan na iyong ituturo sa kanila upang kanilang gawin sa lupain na aking ibinibigay sa kanila upang angkinin.' Inyong ingatang gawin ang gaya ng iniutos sa inyo ng PANGINOON ninyong Diyos; huwag kayong liliko sa kanan o sa kaliwa. Kayo'y lalakad sa lahat ng mga daan na iniutos sa inyo ng PANGINOON ninyong Diyos, upang kayo'y mabuhay, at upang ang lahat ay maging mabuti sa iyo, at upang kayo ay mabuhay nang mahaba sa lupain na inyong aangkinin. "Ngayon, ito ang utos, mga tuntunin, at mga batas, na iniutos sa akin ng PANGINOON ninyong Diyos na ituro sa inyo, upang inyong magawa ang mga ito sa lupaing inyong paroroonan upang angkinin, upang ikaw ay matakot sa PANGINOON mong Diyos, na iyong ingatan ang lahat niyang mga tuntunin at ang kanyang mga utos na aking iniutos sa iyo, at sa iyong anak, at sa anak ng iyong anak sa lahat ng araw ng iyong buhay; at upang ang iyong mga araw ay humaba. Kaya't pakinggan mo, O Israel, at iyong gawin upang ang lahat ay maging mabuti sa iyo, at upang kayo'y lalo pang dumami, na gaya ng ipinangako sa iyo ng PANGINOON, ng Diyos ng iyong mga ninuno, sa lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot. "Pakinggan mo, O Israel: ang PANGINOON nating Diyos ay iisang PANGINOON; at iibigin mo ang PANGINOON mong Diyos ng iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa, at ng iyong buong lakas. Ang mga salitang ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito ay ilalagay mo sa iyong puso; at iyong ituturo nang buong sikap sa iyong mga anak, at iyong sasabihin sa kanila kapag ikaw ay nakaupo sa iyong bahay, kapag ikaw ay lumalakad sa daan, at kapag ikaw ay nahihiga, at kapag ikaw ay bumabangon. At iyong itatali ang mga ito bilang tanda sa iyong kamay at bilang panali sa iyong noo. At iyong isusulat ang mga ito sa pintuan ng iyong bahay at sa mga pasukan ng inyong mga bayan. "Kapag dinala ka ng PANGINOON mong Diyos sa lupain na kanyang ipinangako sa iyong mga ninuno, kina Abraham, Isaac, at Jacob, upang ibigay sa iyo ang malalaki at mabubuting lunsod na hindi mo itinayo, at mga bahay na puno ng lahat ng mabubuting bagay, na hindi mo pinuno, at mga balon na hindi mo hinukay, mga ubasan at mga puno ng olibo na hindi mo itinanim, at ikaw ay kakain at mabubusog, ingatan mo na baka iyong malimutan ang PANGINOON na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin. Matakot ka sa PANGINOON mong Diyos at maglingkod ka sa kanya at ikaw ay susumpa sa pamamagitan ng kanyang pangalan. Huwag kang susunod sa ibang mga diyos, sa mga diyos ng mga bansang nasa palibot mo; sapagkat ang PANGINOON mong Diyos na nasa gitna mo ay isang mapanibughuing Diyos; baka ang galit ng PANGINOON mong Diyos ay mag-alab laban sa iyo, at ikaw ay kanyang lipulin sa ibabaw ng lupa. "Huwag ninyong susubukin ang PANGINOON ninyong Diyos, gaya ng pagsubok ninyo sa kanya sa Massah. Masikap ninyong ingatan ang mga utos ng PANGINOON ninyong Diyos, at ang kanyang mga patotoo, at ang kanyang mga tuntunin na kanyang iniutos sa iyo. At iyong gagawin ang matuwid at mabuti sa paningin ng PANGINOON, para sa ikabubuti mo, at upang iyong mapasok at maangkin ang maturing lupain na ipinangako ng PANGINOON sa iyong mga ninuno, upang palayasin ang lahat ng iyong mga kaaway sa harapan mo, gaya ng ipinangako ng PANGINOON. "Kapag tatanungin ka ng iyong anak sa panahong darating, Ano ang kahulugan ng mga patotoo, mga tuntunin, at mga batas, na iniutos sa inyo ng PANGINOON nating Diyos?' Iyo ngang sasabihin sa iyong anak, 'Kami ay naging mga alipin ng Faraon sa Ehipto, at inilabas kami ng PANGINOON sa Ehipto sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay. At ang PANGINOON ay nagpakita ng mga tanda at ng mga kababalaghan, dakila at matindi, laban sa Ehipto, kay Faraon, at sa kanyang buong sambahayan, sa harapan ng aming paningin; at kami ay inilabas niya mula roon upang kami ay maipasok, upang maibigay sa amin ang lupain na kanyang ipinangako sa ating mga ninuno. At iniutos ng PANGINOON sa amin na gawin ang lahat ng mga tuntuning ito, na matakot sa PANGINOON nating Diyos, sa ikabubuti natin magpakailanman, upang ingatan niya tayong buhay, gaya sa araw na ito. At magiging katuwiran sa atin kapag maingat nating isinagawa ang lahat ng utos na ito sa harapan ng PANGINOON nating Diyos, gaya ng iniutos niya sa atin.' "Kapag dinala ka ng PANGINOON mong Diyos sa lupain na iyong pinaroroonan upang angkinin ito, at pinalayas ang maraming bansa sa harapan mo, ang Heteo, Gergeseo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Heveo, at ang Jebuseo, na pitong bansang higit na malalaki at makapangyarihan kaysa iyo; at kapag sila'y ibinigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos, at matalo mo sila; ganap mo silang lilipulin, huwag kang makikipagtipan sa kanila, ni huwag mo silang pagpakitaan ng awa. Huwag kang mag-aasawa sa kanila, ang iyong anak na babae ay huwag mong ibibigay sa kanyang anak na lalaki, ni ang kanyang anak na babae ay kukunin mo para sa iyong mga anak na lalaki. Sapagkat kanilang ilalayo ang iyong anak na lalaki sa pagsunod sa akin, upang maglingkod sa ibang mga diyos, sa gayo'y mag-aalab ang galit ng PANGINOON laban sa iyo, at mabilis ka niyang pupuksain. Kundi ganito ang inyong gagawin sa kanila: gigibain ninyo ang kanilang mga dambana, inyong pagpuputul-putulin ang kanilang mga haligi, inyong ibubuwal ang kanilang mga sagradong poste, at inyong susunugin sa apoy ang kanilang mga larawang inanyuan. "Sapagkat ikaw ay isang banal na bayan sa PANGINOON mong Diyos; pinili ka ng PANGINOON mong Diyos upang maging kanyang sariling pag-aari, mula sa lahat ng mga bayan na nasa balat ng lupa. Kayo'y inibig at pinili ng PANGINOON hindi dahil sa kayo'y mas marami kaysa alinmang bayan ni sapagkat kayo ang pinakakaunti sa lahat ng mga tao; kundi dahil iniibig kayo ng PANGINOON, at kanyang tinutupad ang pangako na kanyang ipinangako sa inyong mga ninuno, kaya inilabas kayo ng PANGINOON sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay at tinubos kayo sa bahay ng pagkaalipin, mula sa kamay ng Faraon na hari sa Ehipto. Dahil dito, kilalanin ninyo na ang PANGINOON ninyong Diyos ay siyang Diyos; ang tapat na Diyos, na nag-iingat ng tipan at may wagas na pag-ibig sa mga umiibig sa kanya at tumutupad ng kanyang mga utos, hanggang sa isanlibong salinlahi; at pinaghihigantihan ang mga napopoot sa kanya, upang puksain sila. Siya'y hindi magpapaliban kundi kanyang gagantihan sila na napopoot sa kanya. Kaya't maingat mong tuparin ang utos, mga tuntunin, at mga batas na aking iniutos sa iyo sa araw na ito. "Sapagkat iyong pinakinggan ang mga batas na ito, at iyong iningatan at sinunod ang mga ito, ay tutuparin sa iyo ng PANGINOON mong Diyos ang tipan at ang wagas na pag-ibig na kanyang ipinangako sa iyong mga ninuno. Iibigin ka niya, pagpapalain, at pararamihin. Pagpapalain din niya ang iyong mga supling, ang bunga ng iyong lupa, ang iyong trigo, ang iyong alak, ang iyong langis, ang karagdagan ng iyong mga bakahan, at ang mga guya ng iyong kawan sa lupain na kanyang ipinangakong ibibigay sa iyo at sa iyong mga ninuno. Pagpapalain ka kaysa lahat ng mga bayan; walang magiging baog na babae o lalaki sa inyo o sa inyong mga hayop. Aalisin sa iyo ng PANGINOON ang lahat ng karamdaman; at hindi niya ilalagay sa iyo ang alinman sa masamang sakit sa Ehipto na iyong nalaman, kundi ilalagay niya ang mga ito sa lahat ng napopoot sa iyo. At iyong pupuksain ang lahat ng mga tao na ibibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos; huwag kang mahahabag sa kanila; ni maglilingkod sa kanilang mga diyos, sapagkat iyon ay magiging isang bitag sa iyo. "Kapag sinabi mo sa iyong puso, 'Ang mga bansang ito ay higit na dakila kaysa akin; paano ko sila mapapalayas?' Huwag kang matatakot sa kanila; iyong aalalahaning mabuti ang ginawa ng PANGINOON mong Diyos sa Faraon, at sa buong Ehipto, ang napakaraming pagsubok na nakita ng iyong mga mata, ang mga tanda, mga kababalaghan, ang makapangyarihang kamay, at ang unat na bisig na sa pamamagitan nito ay inilabas ka ng PANGINOON mong Diyos, gayundin ang gagawin ng PANGINOON mong Diyos sa lahat ng mga bayang iyong kinatatakutan. Bukod dito'y susuguin sa kanila ng PANGINOON mong Diyos ang malalaking putakti hanggang sa ang mga naiwan ay mamatay, pati na ang mga nagtatago sa harapan mo. Huwag kang matatakot sa kanila, sapagkat ang PANGINOON mong Diyos ay nasa gitna mo, isang dakila at kakilakilabot na Diyos. At unti-unting itataboy ng PANGINOON mong Diyos ang mga bansang iyon sa harapan mo. Maaaring hindi mo agad sila puksain, baka ang mga hayop sa parang ay masyadong dumami para sa iyo. Kundi ibibigay sila ng PANGINOON mong Diyos sa harapan mo, at pupuksain sila ng isang malaking pagkalito hanggang sa sila'y malipol. Kanyang ibibigay ang kanilang mga hari sa iyong kamay, at iyong papawiin ang kanilang pangalan sa ilalim ng langit. Walang taong magtatagumpay laban sa iyo hanggang sa mapuksa mo sila. Iyong susunugin sa apoy ang mga larawang inanyuan na kanilang mga diyos; huwag mong pagnanasaan ang pilak o ang ginto na nasa mga iyon, ni kukunin mo para sa iyo, upang ikaw ay huwag mabitag nito, sapagkat ito'y karumaldumal sa PANGINOON. Huwag kang magpapasok ng karumaldumal sa iyong bahay, baka ikaw ay maging isang isinumpa na gaya niyon. Lubos mong kasusuklaman iyon at kamumuhian iyon, sapagkat iyon ay bagay na isinumpa. "Inyong maingat na gawin ang lahat ng utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito upang kayo'y mabuhay at dumami, at makapasok at angkinin ang lupain na ipinangako ng PANGINOON sa inyong mga ninuno. At iyong alalahanin ang lahat ng paraan ng pagpatnubay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos nitong apatnapung taon sa ilang, upang kanyang pagpakumbabain ka, at subukin ka, upang malaman kung ano ang nasa iyong puso, kung iyong tutuparin ang kanyang mga utos o hindi. Ikaw ay pinagpakumbaba niya nang ginutom ka niya, at pinakain ka niya ng manna, na hindi mo nakilala, ni hindi nakilala ng iyong mga ninuno, upang kanyang maipaunawa sa iyo na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng PANGINOON. Ang iyong suot ay hindi naluma, hindi namaga ang iyong paa sa loob ng apatnapung taon. Alamin mo sa iyong puso na kung paanong dinidisiplina ng tao ang kanyang anak, ay dinidisiplina ka rin ng PANGINOON mong Diyos. Kaya't tutuparin mo ang mga utos ng PANGINOON mong Diyos, lumakad ka sa kanyang mga daan, at matakot ka sa kanya. Sapagkat dinadala ka ng PANGINOON mong Diyos sa isang mabuting lupain, ang lupain ng mga batis ng tubig, ng mga bukal at ng mga kalaliman, na bumubukal sa mga libis at mga bundok, lupain ng trigo, sebada, puno ng ubas, mga puno ng igos, mga granada, mga puno ng olibo at ng pulot, lupain kung saan ka kakain ng tinapay at di ka kukulangin, na doon ay hindi kukulangin ng anumang bagay; lupain na ang mga bato ay bakal, at makakahukay ka ng tanso mula sa mga burol nito. Kakain ka, mabubusog, at iyong pupurihin ang PANGINOON mong Diyos dahil sa mabuting lupain na kanyang ibinigay sa iyo. "Mag-ingat ka sa iyong sarili na baka malimutan mo ang PANGINOON mong Diyos, sa hindi mo pagtupad ng kanyang mga utos, mga batas, at mga tuntunin na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito. Baka kapag ikaw ay nakakain at nabusog at nakapagtayo ng magagandang bahay, at nakatira sa mga iyon; at kapag ang iyong mga bakahan at ang iyong mga kawan ay dumami na at ang iyong pilak at ang iyong ginto ay dumami at ang lahat ng nasa iyo ay dumami; ay magmataas ang iyong puso, at iyong malimutan ang PANGINOON mong Diyos na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, sa bahay ng pagkaalipin; na siyang pumatnubay sa iyo sa malaki at kakilakilabot na ilang na mayroong mga makamandag na ahas at mga alakdan, at tigang na lupa na walang tubig; na siyang nagbigay sa iyo ng tubig mula sa batongkiskisan; na siyang nagpakain sa iyo ng manna sa ilang, na hindi nakilala ng iyong mga ninuno; upang kanyang papagkumbabain at subukin ka, at gawan ka ng mabuti sa bandang huli. Huwag mong sabihin sa iyong puso, Ang aking kapangyarihan at ang lakas ng aking kamay ang siyang nagbigay sa akin ng kayamanang ito.' Kundi aalalahanin mo ang PANGINOON mong Diyos, sapagkat siya ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihan upang magkaroon ka ng kayamanan; upang kanyang papagtibayin ang kanyang tipan na kanyang ipinangako sa iyong mga ninuno, gaya nga sa araw na ito. At kapag kinalimutan mo ang PANGINOON mong Diyos, at ikaw ay sumunod sa ibang mga diyos, at paglingkuran mo sila at sinamba mo sila, ay aking tapat na binabalaan kayo sa araw na ito, na kayo'y tiyak na malilipol. Tulad ng mga bansang nilipol ng PANGINOON sa harapan ninyo ay gayon kayo lilipulin; sapagkat hindi ninyo pinakinggan ang tinig ng PANGINOON ninyong Diyos. "Pakinggan mo, O Israel, ikaw ay tatawid sa Jordan sa araw na ito, upang iyong pasukin at agawin ang mga bansang higit na dakila at makapangyarihan kaysa iyo, na mga bayang malaki at may pader hanggang sa langit, isang bayang malaki at mataas, mga anak ng Anakim na iyong nakikilala at tungkol sa kanila ay narinig mong sinasabi, 'Sinong makakatayo sa harapan ng mga anak ni Anak?' Alamin mo sa araw na ito na ang PANGINOON mong Diyos ay siyang mangunguna sa iyo na parang apoy na lumalamon. Kanyang pupuksain sila at kanyang payuyukurin sila sa harapan mo; sa gayo'y mapapalayas mo sila at mabilis mo silang malilipol na gaya ng sinabi sa iyo ng PANGINOON. "Huwag mong sasabihin sa iyong puso, pagkatapos na mapalayas sila ng PANGINOON mong Diyos sa harapan mo, 'Dahil sa aking pagiging matuwid ay dinala ako ng PANGINOON upang angkinin ang lupaing ito.' Sa halip ay dahil sa kasamaan ng mga bansang ito ay pinapalayas sila ng PANGINOON sa harapan mo. Hindi dahil sa iyong pagiging matuwid o dahil sa katapatan ng iyong puso ay iyong pinapasok upang angkinin ang kanilang lupain, kundi dahil sa kasamaan ng mga bansang ito ay pinapalayas sila ng PANGINOON mong Diyos sa harapan mo, at upang kanyang papagtibayin ang salita na ipinangako ng PANGINOON sa iyong mga ninuno, kina Abraham, Isaac, at Jacob. "Alamin mo na hindi ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos ang mabuting lupaing ito upang angkinin ng dahil sa iyong pagiging matuwid; sapagkat ikaw ay isang bayang matigas ang ulo. Alalahanin mo, huwag mong kalimutan, kung paanong ginalit mo ang PANGINOON mong Diyos sa ilang; mula nang araw na kayo'y umalis sa lupain ng Ehipto, hanggang sa kayo'y dumating sa dakong ito ay naging mapaghimagsik kayo laban sa PANGINOON. Gayundin sa Horeb na inyong ginalit ang PANGINOON, at ang PANGINOON ay nagalit sa inyo at handa na sana siyang lipulin kayo. Nang ako'y umakyat sa bundok upang tanggapin ang mga tapyas na bato, samakatuwid ay ang mga tapyas ng tipan na ginawa ng PANGINOON sa inyo, nanatili ako sa bundok ng apatnapung araw at apatnapung gabi. Hindi ako kumain ng tinapay ni uminom ng tubig. Ibinigay sa akin ng PANGINOON ang dalawang tapyas na bato na sinulatan ng daliri ng Diyos. Nasa mga iyon ang lahat ng mga sinabi ng PANGINOON sa inyo sa bundok mula sa gitna ng apoy nang araw ng pagtitipon. Sa katapusan ng apatnapung araw at apatnapung gabi, ibinigay sa akin ng PANGINOON ang dalawang tapyas na bato, samakatuwid ay ang mga tapyas ng tipan. At sinabi ng PANGINOON sa akin, Tumindig ka, bumaba ka agad mula riyan; sapagkat ang iyong bayan na inilabas mo sa Ehipto ay nagpakasama. Sila'y mabilis na lumihis sa daang iniutos ko sa kanila; sila'y gumawa para sa kanila ng isang larawang inanyuan.' "Bukod dito'y nagsalita sa akin ang PANGINOON, na sinasabi, Aking nakita ang bayang ito, at aking nakita na ito'y isang bayang matigas ang ulo. Hayaan mong lipulin ko sila, at aking burahin ang kanilang pangalan sa ilalim ng langit; at gagawin kitang isang bansang higit na makapangyarihan at malaki kaysa kanila.' Sa gayo'y pumihit ako at bumaba mula sa bundok, at ang bundok ay nagniningas sa apoy, at ang dalawang tapyas ng tipan ay nasa aking dalawang kamay. Tumingin ako, at nakita kong kayo'y nagkasala laban sa PANGINOON ninyong Diyos. Kayo'y gumawa para sa inyo ng isang guyang inanyuan. Kayo'y madaling lumihis sa daan na iniutos sa inyo ng PANGINOON. Kaya't aking hinawakan ang dalawang tapyas at inihagis ng aking dalawang kamay, at winasak ang mga ito sa harapan ng inyong paningin. At ako'y nagpatirapa sa harapan ng PANGINOON, gaya nang una, sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi. Hindi ako kumain ng tinapay ni uminom ng tubig; dahil sa lahat ng inyong kasalanan na inyong ginawa sa paggawa ng masama sa paningin ng PANGINOON na inyong ginalit. Sapagkat natatakot ako dahil sa galit at maalab na poot na ikinayamot ng PANGINOON sa inyo, na lilipulin sana kayo. Ngunit pinakinggan din ako noon ng PANGINOON. Ang PANGINOON ay galit na galit kay Aaron na siya sana'y papatayin; at akin din namang idinalangin si Aaron nang panahong iyon. At kinuha ko ang makasalanang bagay na inyong ginawa, ang guya, at aking sinunog sa apoy, at aking niyapakan at dinurog na mabuti, hanggang sa naging durog na parang alabok; at aking inihagis ang alabok niyon sa batis na umaagos mula sa bundok. "At sa Tabera, sa Massah, sa Kibrot-hataava ay inyong ginalit ang PANGINOON. Nang suguin kayo ng PANGINOON mula sa Kadesh-barnea, na sinasabi, 'Umakyat kayo at angkinin ninyo ang lupain na ibinigay ko sa inyo;' pagkatapos ay naghimagsik kayo laban sa utos ng PANGINOON ninyong Diyos, at hindi ninyo siya pinaniniwalaan, ni pinakinggan ang kanyang tinig. Kayo'y naging mapaghimagsik laban sa PANGINOON, mula nang araw na kayo'y aking makilala. "Kaya't ako'y nagpatirapa sa harapan ng PANGINOON ng apatnapung araw at apatnapung gabi, sapagkat sinabi ng PANGINOON na lilipulin niya kayo. At ako'y nanalangin sa PANGINOON, at sinabi, 'O Panginoong DIYOS, huwag mong pupuksain ang iyong bayan at ang iyong mana, na iyong tinubos ng iyong kadakilaan, na iyong inilabas sa Ehipto sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay. Alalahanin mo ang iyong mga lingkod, sina Abraham, Isaac, at Jacob. Huwag mong masdan ang pagmamatigas ng bayang ito, ni ang kasamaan nila, ni ang kasalanan nila. Baka sabihin ng mga tao sa lupaing pinaglabasan mo sa amin: "Sapagkat hindi sila naipasok ng PANGINOON sa lupain na ipinangako sa kanila, at sapagkat napoot siya sa kanila, ay inilabas sila upang patayin sa ilang." Gayunman sila'y iyong bayan at iyong mana, na iyong inilabas ng iyong dakilang kapangyarihan at ng iyong unat na bisig.' Nang panahong iyon ay sinabi ng PANGINOON sa akin, Tumapyas ka ng dalawang tapyas na bato, na gaya nang una. Umakyat ka sa akin sa bundok at gumawa ka ng isang kaban na yari sa kahoy. Isusulat ko sa mga tapyas ang mga salita na nasa unang mga tapyas na iyong binasag, at iyong isisilid ang mga iyan sa kaban.' Kaya't gumawa ako ng isang kabang yari sa kahoy na akasya, at humugis ng dalawang tapyas na bato na gaya nang una, at umakyat sa bundok na dala ang dalawang tapyas. At kanyang isinulat sa mga tapyas ang ayon sa unang nasulat, ang sampung utos na sinabi ng PANGINOON sa inyo sa bundok mula sa gitna ng apoy nang araw ng pagtitipon; at ang mga iyon ay ibinigay sa akin ng PANGINOON. Ako'y pumihit at bumaba mula sa bundok, at aking isinilid ang mga tapyas sa kaban na aking ginawa, at ang mga iyon ay naroroon, na gaya ng iniutos sa akin ng PANGINOON. (At ang mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa Beerot Ben-yaakan hanggang sa Mosera. Doon namatay si Aaron, at doon siya inilibing. Si Eleazar na kanyang anak ay nangasiwa sa katungkulang pari na kapalit niya. Mula roon ay naglakbay sila hanggang Gudgoda, at mula sa Gudgoda hanggang sa Jotbata, na lupain ng mga batis ng tubig. Nang panahong iyon ay ibinukod ng PANGINOON ang lipi ni Levi upang magdala ng kaban ng tipan ng PANGINOON, tumayo sa harapan ng PANGINOON, maglingkod sa kanya, at upang magbigay ng basbas sa kanyang pangalan hanggang sa araw na ito. Kaya't ang Levi ay walang bahagi ni mana na kasama ng kanyang mga kapatid; ang PANGINOON ay siyang kanyang mana, ayon sa sinabi ng PANGINOON mong Diyos sa kanya.) "Ako'y namalagi sa bundok, gaya ng una, apatnapung araw at apatnapung gabi, at ako'y pinakinggan din noon ng PANGINOON; ayaw ng PANGINOON na puksain ka. At sinabi ng PANGINOON sa akin, Tumindig ka at pangunahan mo ang taong-bayan; sila'y papasok at kanilang aangkinin ang lupain na aking ipinangako sa kanilang mga ninuno upang ibigay sa kanila. "At ngayon, O Israel, ano ba ang hinihingi sa iyo ng PANGINOON mong Diyos? Kundi matakot ka sa PANGINOON mong Diyos, lumakad ka sa lahat ng kanyang mga daan, at ibigin mo siya, at paglingkuran mo ang PANGINOON mong Diyos ng buong puso at ng buong kaluluwa mo, na tuparin ang mga utos ng PANGINOON, at ang kanyang mga tuntunin na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito para sa iyong ikabubuti. Bagaman, sa PANGINOON mong Diyos ang langit, at ang langit ng mga langit, ang lupa, at ng lahat na naroroon, ang PANGINOON ay nalugod na ibigin ang iyong mga ninuno, at kanyang pinili ang kanilang mga anak pagkamatay nila, samakatuwid ay kayo, sa lahat ng mga bayan na gaya ng nakikita sa araw na ito. Tuliin ninyo ang balat ng inyong puso, at huwag ninyong papagmatigasin ang inyong ulo. Sapagkat ang PANGINOON ninyong Diyos ay siyang Diyos ng mga diyos, at PANGINOON ng mga panginoon, siyang dakilang Diyos, siyang makapangyarihan at siyang kakilakilabot, na hindi nagtatangi ng tao ni tumatanggap ng suhol. Kanyang hinahatulan nang matuwid ang ulila at babaing balo, at iniibig ang mga nakikipamayan, na binibigyan niya ng pagkain at kasuotan. Ibigin ninyo ang mga dayuhan, sapagkat kayo'y naging mga dayuhan din sa lupain ng Ehipto. Matakot kasa PANGINOON mong Diyos. Maglingkod ka sa kanya, at sa kanya'y manatili ka, at sa pamamagitan ng kanyang pangalan ay sumumpa ka. Siya ang iyong kapurihan, at siya ang iyong Diyos, na gumawa para sa iyo nitong mga dakila at kakilakilabot na mga bagay na nakita ng iyong mga mata. Ang iyong mga ninuno ay lumusong sa Ehipto na may pitumpung katao; at ngayo'y ginawa ka ng PANGINOON mong Diyos na kasindami ng mga bituin sa langit. "Kaya't ibigin mo ang PANGINOON mong Diyos, at lagi mong sundin ang kanyang bilin, mga tuntunin, mga batas, at mga utos. At isaalang-alang ninyo sa araw na ito, sapagkat hindi ako nagsasalita sa inyong mga anak (na hindi nakakakilala, at hindi nakakita ng parusa ng PANGINOON ninyong Diyos), ng kanyang kadakilaan, ng kanyang makapangyarihang kamay at ng kanyang unat na bisig, ng kanyang mga tanda, ng kanyang mga ginawa sa gitna ng Ehipto kay Faraon na hari ng Ehipto, at sa kanyang buong lupain; at ang kanyang ginawa sa hukbo ng Ehipto, sa kanilang mga kabayo, at sa kanilang mga karwahe; kung paanong tinakpan niya sila ng tubig ng Dagat na Pula nang kanilang habulin kayo, at kung paanong pinuksa sila ng PANGINOON hanggang sa araw na ito. At kung ano ang kanyang ginawa sa inyo sa ilang hanggang sa dumating kayo sa dakong ito; at kung ano ang kanyang ginawa kay Datan at kay Abiram, na mga anak ni Eliab, na anak ni Ruben; kung paanong ibinuka ng lupa ang kanyang bibig at nilamon sila, ang kanilang mga sambahayan, ang kanilang mga tolda, at bawat bagay na may buhay na sumunod sa kanila sa gitna ng buong Israel; sapagkat nakita ng inyong mga mata ang lahat ng dakilang gawa na ginawa ng PANGINOON. "Kaya't sundin ninyo ang lahat ng utos na aking iniuutos sa inyo sa araw na ito, upang kayo'y lumakas, makapasok at angkinin ang lupain na inyong tatawirin; at upang kayo'y mabuhay nang matagal sa lupain na ipinangako ng PANGINOON sa inyong mga ninuno na ibibigay sa kanila at sa kanilang binhi, isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot. Sapagkat ang lupain na iyong pupuntahan upang angkinin ay hindi gaya ng lupain ng Ehipto na inyong pinanggalingan, na doo'y nagtatanim ka ng iyong binhi, at iyong dinidilig ng iyong paa, na parang taniman ng mga gulay; kundi ang lupain na inyong patutunguhan upang angkinin ay lupaing maburol at malibis, at umiinom ng tubig ng ulan sa langit, lupaing inaalagaan ng PANGINOON mong Diyos. Ang pansin ng PANGINOON mong Diyos ay laging naroon, mula sa pasimula ng taon hanggang sa katapusan ng taon. "Kung inyong susundin ang mga utos na aking iniuutos sa inyo sa araw na ito, na ibigin ang PANGINOON ninyong Diyos at siya'y paglingkuran ng iyong buong puso at kaluluwa, ay ibibigay ko ang ulan ng inyong lupain sa kanyang kapanahunan, ang una at huling ulan upang iyong matipon ang iyong trigo, alak, at langis. Aking bibigyan ng damo ang inyong mga bukid para sa iyong mga hayop, at ikaw ay kakain at mabubusog. Mag-ingat kayo, baka ang inyong puso ay madaya, at kayo'y maligaw, at maglingkod sa ibang mga diyos, at sumamba sa kanila. Kapag gayon, ang galit ng PANGINOON ay magniningas laban sa inyo, at kanyang sasarhan ang langit, upang hindi magkaroon ng ulan, at ang lupa'y hindi magbibigay ng kanyang bunga; at kayo'y mabilis na mapupuksa sa maturing lupain na ibinibigay sa inyo ng PANGINOON. "Kaya't inyong ilalagak ang mga salita kong ito sa inyong puso at sa inyong kaluluwa at inyong itatali na pinakatanda sa inyong kamay at magiging pinakatali sa inyong noo. Ituturo ninyo ang mga iyon sa inyong mga anak, na inyong sasabihin sa kanila kapag ikaw ay nakaupo sa iyong bahay, kapag ikaw ay lumalakad sa daan, kapag ikaw ay nahihiga, at kapag ikaw ay bumabangon. At isusulat mo ang mga iyon sa mga hamba ng pinto ng iyong bahay, at sa iyong mga pintuang-daan: upang dumami ang inyong mga araw at ang mga araw ng inyong mga anak, sa lupain na ipinangako ng PANGINOON sa inyong mga ninuno na ibibigay sa kanila, gaya ng mga araw ng langit sa ibabaw ng lupa. Sapagkat kung inyong masikap na susundin ang lahat ng utos na ito na aking ipinag-uutos sa inyo upang gawin, na ibigin ang PANGINOON ninyong Diyos, na lumakad sa lahat ng kanyang daan, at manatili sa kanya, ay palalayasin ng PANGINOON ang lahat ng mga bansang ito sa harapan ninyo, at inyong aagawan ang mga bansang higit na malalaki at makapangyarihan kaysa inyo. Bawat dakong matuntungan ng talampakan ng inyong paa ay magiging inyo; ang inyong magiging sakop ay mula sa ilang hanggang sa Lebanon, mula sa ilog, sa Ilog Eufrates, hanggang sa dagat kanluran. Walang taong magtatagumpay laban sa inyo; sisidlan ng PANGINOON ninyong Diyos ng pagkatakot at pagkasindak sa inyo ang lahat ng lupain na inyong tutuntungan, gaya ng kanyang ipinangako sa inyo. "Inilalagay ko sa harapan ninyo sa araw na ito ang pagpapala at ang sumpa; ang pagpapala, kung inyong diringgin ang mga utos ng PANGINOON ninyong Diyos na aking iniutos sa inyo sa araw na ito; at ang sumpa, kung hindi ninyo diringgin ang mga utos ng PANGINOON ninyong Diyos, kundi lilihis sa daan na aking iniuutos sa inyo sa araw na ito, upang sumunod sa ibang mga diyos, na hindi ninyo nakilala. At kapag ikaw ay ipapasok ng PANGINOON mong Diyos sa lupain na iyong paroroonan upang angkinin, iyong ilalagay ang pagpapala sa bundok ng Gerizim, at ang sumpa sa bundok ng Ebal. Hindi ba sila ay nasa kabila ng Jordan, sa dakong nilulubugan ng araw, sa lupain ng mga Cananeo na tumatahan sa Araba, sa tapat ng Gilgal na katabi ng mga ensina sa More? Sapagkat kayo'y tatawid sa Jordan upang pasukin at angkinin ang lupaing ibinibigay sa inyo ng PANGINOON ninyong Diyos. Kapag ito'y inyong naangkin at nanirahan na kayo roon, maingat ninyong gagawin ang lahat ng mga tuntunin at mga batas na aking itinatakda sa inyo sa araw na ito. "Ito ang mga tuntunin at mga batas na inyong tutuparin sa lupain na ibinibigay sa iyo ng PANGINOON, ng Diyos ng iyong mga ninuno upang angkinin, sa lahat ng mga araw na inyong ilalagi sa ibabaw ng lupa. Wasakin ninyo ang lahat ng mga dako kung saan naglilingkod sa kanilang diyos ang mga bansang inyong aagawan, sa ibabaw ng matataas na bundok, at sa ibabaw ng mga burol, at sa lilim ng bawat luntiang punung-kahoy. Wawasakin ninyo ang kanilang mga dambana, at inyong pagpuputul-putulin ang kanilang mga haligi, at susunugin sa apoy ang kanilang mga sagradong poste;' at inyong ibubuwal ang mga larawang inanyuan na kanilang mga diyos; at inyong papawiin ang kanilang pangalan sa dakong iyon. Huwag kayong gagawa ng ganito sa PANGINOON ninyong Diyos. Kundi inyong hahanapin ang dakong pipiliin ng PANGINOON ninyong Diyos mula sa lahat ng inyong mga lipi na paglalagyan ng kanyang pangalan, samakatuwid, sa kanyang tahanan ay inyong hahanapin, at doon kayo paroroon. At doon ninyo dadalhin ang inyong mga handog na sinusunog, at ang inyong mga alay, at ang inyong mga ikasampung bahagi, at ang handog na iwawagayway ng inyong kamay, at ang inyong mga panata, at ang inyong mga kusang handog, at ang mga panganay sa inyong mga bakahan at sa inyong mga kawan; at doon kayo kakain sa harapan ng PANGINOON ninyong Diyos, at kayo'y magagalak sa lahat ng inyong gagawin, kayo at ang inyong mga sambahayan kung saan kayo pinagpala ng PANGINOON mong Diyos. Huwag ninyong gagawin ang gaya ng mga bagay na ating ginagawa dito sa araw na ito, na ginagawa ng bawat isa ang matuwid sa kanyang paningin; sapagkat hindi pa kayo nakakarating sa kapahingahan at sa pamana na ibinibigay sa iyo ng PANGINOON ninyong Diyos. Ngunit pagtawid ninyo ng Jordan, at pagtira sa lupain na ipinamamana sa inyo ng PANGINOON ninyong Diyos, at pagkabigay niya sa inyo ng kapahingahan sa lahat ng inyong mga kaaway sa palibot, upang kayo'y makapanirahan nang tiwasay; at pagkatapos ay sa dakong pipiliin ng PANGINOON ninyong Diyos na patatahanan sa kanyang pangalan ay doon ninyo dadalhin ang lahat na aking ipinag-uutos sa inyo: ang inyong mga handog na sinusunog, mga alay, mga ikasampung bahagi, ang handog na iwinawagayway ng inyong kamay, at ang lahat ng inyong ipinangakong handog na inyong ipinanata sa PANGINOON. At kayo'y magagalak sa harapan ng PANGINOON ninyong Diyos, kayo at ang inyong mga anak na lalaki at babae, at ang inyong mga aliping lalaki at babae, at ang Levita na nasa loob ng inyong mga bayan, sapagkat siya'y walang bahagi ni pamana na kasama ninyo. Mag-ingat ka na huwag mag-alay ng iyong handog na sinusunog sa alinmang dakong iyong makikita, kundi sa dakong pipiliin ng PANGINOON sa isa sa iyong mga lipi, doon mo ihahandog ang iyong mga handog na sinusunog, at doon mo gagawin ang lahat na aking iniuutos sa iyo, "Gayunma'y maaari kang kumatay at kumain ng karne sa loob ng lahat ng iyong mga bayan, hanggang gusto mo, ayon sa pagpapala ng PANGINOON mong Diyos na kanyang ibinigay sa iyo. Maaari itong kainin ng marumi at ng malinis gaya ng maliit na usa, o malaking usa. Huwag lamang ninyong kakainin ang dugo; ibubuhos ninyo ito sa lupa na parang tubig. Huwag mong kakainin sa loob ng iyong mga bayan ang ikasampung bahagi ng iyong trigo, o ng iyong alak, o ng iyong langis, o ng mga panganay sa iyong bakahan o sa iyong kawan, ni anuman sa iyong mga ipinangakong handog na iyong ipapanata, ni ang iyong mga kusang handog, ni ang handog na iwinawagayway ng iyong kamay. Kakainin mo ang mga ito sa harapan ng PANGINOON mong Diyos sa dakong pipiliin ng PANGINOON mong Diyos, ikaw at ng iyong anak na lalaki at babae, at ng iyong mga aliping lalaki at babae, at ng Levita na nasa loob ng iyong mga bayan; at ikaw ay magagalak sa lahat ng iyong gagawin sa harapan ng PANGINOON mong Diyos. Huwag mong pabayaan ang Levita habang nabubuhay ka sa iyong lupain. "Kapag pinalawak ng PANGINOON mong Diyos ang iyong nasasakupan, gaya ng kanyang ipinangako sa iyo, at iyong sasabihin, Ako'y kakain ng karne,' sapagkat ikaw ay nasasabik sa karne, ay makakakain ka ng karne hangga't nais mo. Kung ang dakong pipiliin ng PANGINOON mong Diyos na paglalagyan ng kanyang pangalan ay napakalayo para sa iyo, magpapatay ka sa iyong bakahan at kawan na ibinigay sa iyo ng PANGINOON, gaya ng iniutos ko sa iyo, at makakakain ka sa loob ng iyong mga bayan, hangga't nais mo. Kung paano kinakain ang maliit at malaking usa ay gayon mo ito kakainin; ang marumi at ang malinis ay kapwa makakakain niyon. Lamang ay tiyakin mong hindi mo kakainin ang dugo, sapagkat ang dugo ay siyang buhay; at huwag mong kakainin ang buhay na kasama ng laman. Huwag mong kakainin iyon, ibubuhos mo sa lupa na parang tubig. Huwag mong kakainin iyon para sa ikabubuti mo, at ng iyong mga anak pagkamatay mo, kung iyong gagawin ang matuwid sa paningin ng PANGINOON. Tanging ang mga banal nabagay na nasa iyo, at ang iyong mga panata ang iyong dadalhin, at hahayo ka sa dakong pipiliin ng PANGINOON. At iaalay mo ang iyong njga handog na sinusunog, ang laman at ang dugo, sa ibabaw ng dambana ng PANGINOON mong Diyos, at ang dugo ng iyong mga alay ay ibubuhos sa ibabaw ng dambana ng PANGINOON mong Diyos; at iyong kakainin ang karne. Sundin mo at dinggin ang lahat ng mga salitang ito na iniuutos ko sa iyo para sa ikabubuti mo at ng iyong mga anak pagkamatay mo magpakailanman, kapag ginawa mo ang mabuti at matuwid sa paningin ng PANGINOON mong Diyos. "Kapag natanggal na ng PANGINOON mong Diyos sa harapan mo ang mga bansa na iyong papasukin upang samsaman; at nasamsaman mo na sila at nakapanirahan sa kanilang lupain, mag-ingat ka upang huwag kang mabitag na sumunod sa kanila, pagkatapos na sila'y mapuksa sa harapan mo. Huwag kang mag-usisa ng tungkol sa kanilang mga diyos, na magsabi, 'Paanong naglingkod ang mga bansang ito sa kanilang mga diyos? Gayundin ang gagawin ko.' Huwag mong gagawin ang gayon sa PANGINOON mong Diyos, sapagkat bawat karumaldumal sa PANGINOON na kanyang kinapopootan ay kanilang ginagawa sa kanilang mga diyos; sapagkat pati na ang kanilang mga anak na lalaki at babae ay kanilang sinusunog sa apoy para sa kanilang mga diyos. "Anumang bagay na ipinag-uutos ko sa iyo ay siya mong gagawin; huwag mong daragdagan, ni babawasan. "Kung may lumitaw sa inyo na isang propeta, o isang mapanaginipin ng mga panaginip, at bigyan ka niya ng isang tanda o kababalaghan, at ang tanda o ang kababalaghan ay mangyari, na kanyang sabihin sa iyo, 'Sumunod tayo sa ibang mga diyos,' na hindi mo kilala, 'at ating paglingkuran sila,' huwag mong papakinggan ang mga salita ng propetang iyon, o ng mapanaginiping iyon sapagkat sinusubok kayo ng PANGINOON ninyong Diyos, upang malaman kung iniibig ninyo ang PANGINOON ninyong Diyos ng inyong buong puso at kaluluwa. Kayo'y lalakad ayon sa PANGINOON ninyong Diyos, at matatakot sa kanya, tutupad ng kanyang mga utos, susunod sa kanyang tinig, maglilingkod sa kanya, at mananatili sa kanya. At ang propetang iyon o ang mapanaginiping iyon ay papatayin, sapagkat siya'y nagsalita ng paghihimagsik laban sa PANGINOON ninyong Diyos na naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto, at tumubos sa iyo sa bahay ng pagkaalipin, upang iligaw ka sa daan na iniutos ng PANGINOON mong Diyos upang iyong lakaran. Ganito mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo. "Kung ang iyong kapatid na lalaki, na anak ng iyong ina, o ang iyong anak na lalaki o babae, o ang asawa ng iyong kaibigan, o ang iyong kaibigan na parang iyong sariling kaluluwa, ay humimok sa iyo nang lihim, na magsabi, 'Tayo'y humayo at maglingkod sa ibang mga diyos,' na hindi mo nakilala, ninyo o ng iyong mga ninuno; sa mga diyos ng mga bayan na nasa palibot ninyo na malapit sa iyo, o malayo sa iyo, mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa; ay huwag kang padadalasa kanya o papakinggan siya; ni huwag mong titingnan siya ng may awa, ni patatawarin, ni ikukubli siya; kundi papatayin mo siya. Ikaw ang mangunguna upang patayin siya, at pagkatapos ay ang buong bayan. Iyong babatuhin siya ng mga bato upang siya'y mamatay, sapagkat kanyang pinagsikapang ilayo ka sa PANGINOON mong Diyos, na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, sa bahay ng pagkaalipin. At maririnig ng buong Israel, at matatakot, at hindi na gagawa ng anumang kasamaang gaya nito sa gitna mo. "Kung iyong marinig sa isa sa iyong mga lunsod na ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos upang manirahan ka roon, na ilang masasamang tao mula sa mga kasama mo ang umalis at iniligaw ang mga naninirahan sa lunsod, na sinasabi, Tayo'y humayo at maglingkod sa ibang mga diyos,' na hindi ninyo nakilala; ay iyo ngang usisain at siyasatin, at itanong na mabuti; at kung totoo na nagawa sa gitna mo ang gayong karumaldumal na bagay; ay iyong lilipulin ang mga naninirahan sa lunsod na iyon sa pamamagitan ng talim ng tabak at iyong lubos na pupuksain ang lahat ng naroon at ang mga hayop doon sa pamamagitan ng talim ng tabak. At iyong titipunin sa liwasan ang lahat ng nasamsam doon, at iyong susunugin sa apoy ang lunsod, at ang lahat ng nasamsam doon, bilang handog na sinusunog para sa PANGINOON mong Diyos. Ito ay magiging isang bunton magpakailanman; hindi na muling maitatayo. Huwag mong hayaang lumapat sa iyong kamay ang anumang bagay na itinalaga, upang talikuran ng PANGINOON ang bagsik ng kanyang galit, pagpakitaan ka niya ng kaawaan, mahabag sa iyo at paramihin ka, gaya ng ipinangako niya sa iyong mga magulang, kapag pinakinggan mo ang tinig ng PANGINOON mong Diyos, at iyong sinunod ang lahat ng kanyang mga utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, at iyong ginawa ang matuwid sa paningin ng PANGINOON mong Diyos. "Kayo'y mga anak ng PANGINOON ninyong Diyos; huwag ninyong susugatan ang inyong sarili, ni kakalbuhin ang inyong noo dahil sa patay. Sapagkat ikaw ay isang banal na bayan sa PANGINOON mong Diyos, at ikaw ay pinili ng PANGINOON upang maging bayan na kanyang sariling pag-aari, mula sa lahat ng mga bayan na nasa balat ng lupa. "Huwag kang kakain ng anumang bagay na marurumi. Ito ang mga hayop na maaari ninyong kainin: ang baka, ang tupa, at ang kambing, ang malaking usa, at ang maliit na usa, at ang lalaking usa, at ang mailap na kambing, at ang kambing sa bundok, at ang kambing sa kapatagan, at ang tupang bundok. At bawat hayop na may hati ang paa, biyak at ngumunguya, sa mga hayop, ay maaari ninyong kainin. Gayunman, ang mga ito ay hindi dapat kakainin sa mga ngumunguya, o sa biyak ang paa: ang kamelyo, ang liebre, at ang kuneho, sapagkat sila'y ngumunguya, ngunit walang hati ang paa; ang mga ito ay marumi sa inyo. At ang baboy, sapagkat may hati ang paa, ngunit hindi ngumunguya, ito'y marumi sa inyo; ang laman nila'y huwag ninyong kakainin, at ang kanilang bangkay ay huwag hihipuin. "Lahat ng mga ito na nasa tubig ay maaari ninyong kainin: anumang may mga kaliskis at mga palikpik, ay maaari ninyong kainin. Anumang walang kaliskis at palikpik ay huwag ninyong kakainin; marumi ito para sa inyo. "Maaari ninyong kainin ang lahat ng ibong malilinis. Ngunit ang mga ito'y hindi ninyo dapat kainin: ang agila, ang buwitre, at ang buwitreng itim, at ang malaking lawin, at ang falkon, ayon sa kanilang uri; at lahat ng uwak ayon sa kanilang uri; ang avestruz, panggabing lawin, ang lawing dagat, at ang lawin ayon sa kanilang uri; ang munting kuwago, ang malaking kuwago, ang inahing tubig; ang pelikano, ang buwitre, at ang somormuho; ang puting tagak, ang tagak na kulay-ube, ayon sa kanilang uri; ang paniki, at ang kabag. Lahat ng may pakpak na gumagapang ay marumi sa inyo; huwag ninyong kakainin ang mga ito. Maaari ninyong kainin ang lahat ng ibong malilinis. "Huwag kayong kakain ng anumang bagay na kusang namatay; maaari mong ibigay sa dayuhang nasa loob ng iyong mga bayan, upang kanyang kainin; o maaari mong ipagbili sa dayuhan; sapagkat ikaw ay isang banal na bayan sa PANGINOON mong Diyos. "Huwag mong lulutuin ang guyang kambing sa gatas ng kanyang ina." "Kukunan mo ng ikasampung bahagi ang lahat ng bunga ng iyong binhi na nanggagaling sa iyong bukid taun-taon. Iyong kakainin sa harapan ng PANGINOON mong Diyos, sa dakong kanyang pipiliin na patatahanan sa kanyang pangalan, ang ikasampung bahagi ng iyong trigo, ng iyong alak at ng iyong langis, at ang mga panganay sa iyong bakahan at sa iyong kawan upang lagi kang matutong matakot sa PANGINOON mong Diyos. At kung ang daan ay napakahaba para sa iyo, na anupa't hindi mo madala ang ikapu kapag pinagpala ka ng Diyos, sapagkat napakalayo sa iyo ang dakong pinili ng PANGINOON mong Diyos na paglalagyan ng kanyang pangalan, ay iyo ngang tutumbasan ng salapi at itatali mo ang salapi sa iyong kamay at pupunta ka sa dakong pipiliin ng PANGINOON mong Diyos; at iyong gugulin ang salapi sa anumang nais mo: baka, tupa, alak, matapang na inumin, o sa anumang iyong nasain. Ikaw ay kakain doon sa harapan ng PANGINOON mong Diyos, at ikaw at ang iyong sambahayan ay magalak. Ang Levita na nasa loob ng iyong mga bayan ay huwag mong pababayaan, sapagkat siya'y walang bahagi ni pamana na kasama mo. "Sa katapusan ng bawat tatlong taon ay iyong kukunin ang buong ikasampung bahagi ng iyong bunga ng taong iyon, at iyong ilalagay sa loob ng iyong mga bayan. At ang Levita, sapagkat siya'y walang bahagi ni pamana na kasama mo, at ang dayuhan, ang ulila, ang babaing balo na nasa loob ng iyong mga bayan ay pupunta roon at kakain at mabubusog, upang pagpalain ka ng PANGINOON mong Diyos sa lahat ng gawain na iyong ginagawa. "Sa katapusan ng bawat pitong taon ay magpapatawad ka ng iyong mga pautang. Ito ang paraan ng pagpapatawad: bawat nagpapautang ay magpapatawad ng kanyang ipinautang sa kanyang kapwa; huwag niyang sisingilin iyon sa kanyang kapwa at sa kanyang kapatid, sapagkat ang pagpapatawad ng PANGINOON ay ipinahayag. Sa isang dayuhan ay maaari kang maningil; ngunit anumang pag-aari mo na nasa iyong kapatid ay ipatatawad mo. Ngunit hindi magkakaroon ng dukha sa inyo sapagkat pagpapalain ka ng PANGINOON sa lupain na ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos na pinakamana upang iyong angkinin, kung masikap mong papakinggan ang tinig ng PANGINOON mong Diyos, at gagawin ang lahat ng utos na ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito. Sapagkat pagpapalain ka ng PANGINOON mong Diyos, na gaya ng ipinangako niya sa iyo. Ikaw ay magpapautang sa maraming bansa, ngunit hindi ka mangungutang; at ikaw ay maghahari sa maraming bansa, ngunit hindi ka nila paghaharian. "Kung mayroon sa inyong isang dukha, na isa sa iyong mga kapatid, na nasa loob ng iyong mga bayan sa lupaing ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos, ay huwag mong pagmamatigasin ang iyong puso, ni maging maramot sa iyong dukhang kapatid; kundi iyo ngang bubuksan ang iyong kamay sa kanya, at papautangin mo siya ng sapat para sa kanyang pangangailangan maging anuman iyon. Pag-ingatan mong huwag mag-isip ng masama, na iyong iisipin, 'Ang ikapitong taon, na taon ng pagpapatawad ay malapit na;' at tiningnan mo ng masama ang iyong dukhang kapatid at wala kang ibinigay sa kanya. Siya ay maaaring dumaing sa PANGINOON laban sa iyo, at ito'y magiging kasalanan mo. Siya nga'y bibigyan mo, at ang iyong puso'y huwag magdamdam kapag binibigyan mo siya; sapagkat dahil sa bagay na ito'y pagpapalain ka ng PANGINOON mong Diyos sa lahat ng iyong gawa, at sa lahat ng hipuin ng iyong kamay. Yamang hindi mawawalan ng dukha sa lupain kailanman, kaya't aking iniutos sa iyo, 'Buksan mo ang iyong kamay sa iyong kapatid na nangangailangan, at sa dukha na nasa iyong lupain.' "Kung ang iyong kapatid na Hebreong lalaki o babae ay ipagbili sa iyo, at maglingkod sa iyo ng anim na taon, sa ikapitong taon ay palalayain mo siya. At kapag pinalaya mo siya, ay huwag mo siyang paalisin na walang dala; bibigyan mo siya nang sagana mula sa bunga ng iyong kawan, sa iyong giikan at mula sa iyong pisaan ng alak. Kung paanong pinagpala ka ng PANGINOON mong Diyos, ay gayon mo siya bibigyan. At aalalahanin mo na ikaw ay naging alipin sa lupain ng Ehipto, at tinubos ka ng PANGINOON mong Diyos, kaya't iniuutos ko sa iyo ngayon ang bagay na ito. Kung sabihin niya sa iyo, 'Hindi ako aalis sa iyo;' sapagkat mahal ka niya at ang iyong sambahayan, sapagkat kinalulugdan mo siya, ay kukuha ka ng isang pambutas at butasan mo ang kanyang tainga sa pintuan, at siya'y magiging iyong alipin magpakailanman. Gayundin ang iyong gagawin sa iyong aliping babae. Hindi dapat maging mabigat sa iyo kapag pinalaya mo na siya mula sa iyo, sapagkat sa kalahati ng halaga ng isang upahang alipin ay naglingkod siya sa iyo ng anim na taon, at pagpapalain ka ng PANGINOON mong Diyos sa lahat ng iyong ginagawa. "Lahat ng panganay na lalaki na ipinanganak sa iyong bakahan at sa iyong kawan ay iyong itatalaga sa PANGINOON mong Diyos. Huwag mong pagtatrabahuhin ang panganay ng iyong baka, ni gugupitan ang panganay ng iyong kawan. Kakainin mo ito, ikaw at ng iyong sambahayan sa harapan ng PANGINOON mong Diyos taun-taon sa lugar na pipiliin ng PANGINOON. At kung ito ay may anumang kapintasan, pilay o bulag, anumang masamang kapintasan, ay huwag mong ihahandog sa PANGINOON mong Diyos. Kakainin mo ito sa loob ng iyong mga bayan; ang marumi at ang malinis ay kapwa kakain nito, na para itong maliit na usa o malaking usa. Huwag mo lamang kakainin ang dugo niyon; ibubuhos mo iyon sa lupa na parang tubig. "Magdiriwang ka sa buwan ng Abib, at ipangingilin ang paskuwa sa PANGINOON mong Diyos; sapagkat sa buwan ng Abib ay inilabas ka ng PANGINOON mong Diyos sa Ehipto sa gabi. At iyong iaalay ang paskuwa sa PANGINOON mong Diyos, mula sa kawan at sa bakahan, sa lugar na pipiliin ng PANGINOON na titirahan ng kanyang pangalan. Huwag kang kakain ng tinapay na may pampaalsa. Pitong araw na kakainin mo sa paskuwa ang tinapay na walang pampaalsa, ang tinapay ng kahirapan; sapagkat umalis kang nagmamadali sa lupain ng Ehipto, upang iyong maalala ang araw nang umalis ka sa lupain ng Ehipto sa lahat ng mga araw ng iyong buhay. Walang makikitang pampaalsa sa iyo sa lahat ng iyong mga nasasakupan sa loob ng pitong araw. Alinman sa laman na iyong inihandog sa paglubog ng araw sa unang araw ay walang mananatili sa magdamag hanggang sa umaga. Huwag mong ihahandog ang paskuwa sa loob ng alinman sa iyong mga bayan na ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos, kundi sa lugar na pipiliin ng PANGINOON mong Diyos na titirahan ng kanyang pangalan. Doon mo ihahandog ang paskuwa sa pagtatakipsilim, sa paglubog ng araw, sa panahon nang ikaw ay umalis sa Ehipto. Ito ay iyong lulutuin at kakainin sa lugar na pipiliin ng PANGINOON mong Diyos. Kinaumagahan ay babalik ka at uuwi sa iyong mga tolda. Anim na araw na kakain ka ng tinapay na walang pampaalsa, at sa ikapitong araw ay magiging isang taimtim na pagtitipon sa PANGINOON mong Diyos; huwag kang gagawa ng anumang gawa sa araw na iyan. "Pitong sanlinggo ang iyong bibilangin; mula sa panahong pinasimulan mong ilagay ang panggapas sa mga nakatayong trigo ay magpapasimula kang bumilang ng pitong sanlinggo. At ipagdiwang mo ang Pista ng mga Sanlinggo sa PANGINOON mong Diyos na may parangal na kusang-loob na handog, na iyong ibibigay ayon sa pagpapala sa iyo ng PANGINOON mong Diyos; ikaw at ang iyong anak na lalaki at babae, ang iyong aliping lalaki at babae, ang Levita na nasa loob ng iyong mga bayan, ang dayuhan, ang ulila, ang babaing balo na kasama mo ay magagalak sa harapan ng PANGINOON sa lugar na pipiliin ng PANGINOON mong Diyos na titirahan ng kanyang pangalan. Iyong aalalahanin na ikaw ay naging alipin sa Ehipto. Masikap mong gawin ang mga tuntuning ito. "Iyong ipagdiriwang nang pitong araw ang Pista ng mga Tolda, pagkatapos mong matipon ang aning mula sa iyong giikan at sa pisaan ng ubas. Ikaw at ang iyong anak na lalaki at babae, at ang iyong aliping lalaki at babae, ang Levita, ang dayuhan, ang ulila, at ang babaing balo na kasama ng iyong mga bayan ay magagalak sa iyong pagpipista. Pitong araw na ipagdiriwang mo ang pista sa PANGINOON mong Diyos sa lugar na pipiliin ng PANGINOON, sapagkat pagpapalain ka ng PANGINOON mong Diyos sa lahat ng iyong bunga, at sa lahat ng gawa ng iyong mga kamay, at ikaw ay lubos na magagalak. "Tatlong ulit sa isang taon na ang iyong mga kalalakihan ay haharap sa PANGINOON mong Diyos sa lugar na kanyang pipiliin: sa Pista ng Tinapay na walang Pampaalsa, sa Pista ng mga Sanlinggo, at sa Pista ng mga Tolda. Huwag silang haharap sa PANGINOON na walang dala. Bawat lalaki ay magbibigay ng kanyang kaya, ayon sa pagpapala na ibinigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos. "Magtatalaga ka ng mga hukom at ng mga pinuno sa lahat ng mga bayan na ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos, ayon sa iyong mga lipi, at sila'y maggagawad sa bayan ng matuwid napaghatol. Huwag mong babaluktutin ang katarungan; huwag kang magtatangi ng mga tao, ni tatanggap ng suhol; sapagkat ang suhol ay bumubulag ng mga mata ng marunong, at inililiko ang mga salita ng matuwid. Tanging ang katarungan at katarungan lamang ang iyong susundin, upang mabuhay ka at magmana ng lupaing ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos. "Huwag kang magtatanim ng anumang puno tulad ng sagradong poste" sa tabi ng dambana na iyong gagawin para sa PANGINOON mong Diyos. Ni huwag kang magtatayo ng haligi na kinapopootan ng PANGINOON mong Diyos. "Huwag kang maghahandog sa PANGINOON mong Diyos ng baka o tupa na may dungis o anumang kapintasan; sapagkat ito'y karumaldumal sa PANGINOON mong Diyos. "Kung may matagpuan sa gitna mo, sa loob ng alinman sa iyong mga bayan na ibinigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos, na lalaki o babae na gumagawa ng kasamaan sa paningin ng PANGINOON mong Diyos, na lumalabag sa kanyang tipan, at umalis at naglingkod sa ibang mga diyos, at sumamba sa kanila, o sa araw, sa buwan, o sa anumang bagay na nasa langit na ipinagbabawal ko, at ito ay masabi sa iyo, at iyong mabalitaan, ay iyo ngang sisiyasating mabuti. Kung totoo na ang gayong karumaldumal na bagay ay nagawa sa Israel, ay iyo ngang ilalabas sa iyong mga pintuang-bayan ang lalaki o babaing iyon na gumawa ng bagay na masama at iyong babatuhin ng mga bato ang lalaki at babae, hanggang sila'y mamatay. Sa bibig ng dalawa o tatlong saksi ay papatayin ang dapat mamatay; sa bibig ng isang saksi ay hindi siya papatayin. Ang kamay ng mga saksi ay siyang unang papatay sa kanya at pagkatapos ay ang kamay ng buong bayan. Ganito mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo. "Kung magkakaroon ng usapin na napakahirap para sa iyo na hatulan, sa isang uri ng pagpatay at iba pa, karapatang ayon sa batas at iba pa, isang uri ng pananakit at iba pa o anumang usapin sa loob ng iyong mga bayan, ikaw nga'y titindig at pupunta sa lugar na pipiliin ng PANGINOON mong Diyos. Ikaw ay pupunta sa mga paring Levita, at sa magiging hukom sa mga araw na iyon at iyong sisiyasatin; at kanilang ipapaalam sa iyo ang hatol. Iyong ilalapat ang hatol na kanilang ipinaalam sa iyo mula sa lugar na pipiliin ng PANGINOON; at masikap na isasagawa ang lahat na kanilang ituturo sa iyo. Ayon sa kautusan na kanilang ituturo sa iyo, at ayon sa hatol na kanilang sasabihin sa iyo ay gagawin mo; huwag kang lilihis sa hatol na kanilang ipinaalam sa iyo, maging sa kanan o sa kaliwa man. Ang taong gumagawa nang may kapangahasan, at hindi nakikinig sa pari na tumatayo upang mangasiwa doon sa harapan ng PANGINOON mong Diyos, o sa hukom, ang taong iyon ay papatayin at gayon mo aalisin ang kasamaan sa Israel. At maririnig ng buong bayan at matatakot, at di na gagawa pa nang may kapangahasan. "Kapag dumating ka na sa lupaing ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos, at iyong maangkin ito, at iyong matirahan, at iyong sasabihin, 'Ako'y maglalagay ng isang hari na gaya ng lahat ng mga bansang nasa palibot ko'; ilalagay mong hari sa iyo ang pipiliin ng PANGINOON mong Diyos. Isa sa iyong mga kapatid ang ilalagay mong hari; huwag kang maglalagay ng isang dayuhan na hindi mo kapatid. Huwag lamang siyang magpaparami ng mga kabayo para sa kanyang sarili, ni pababalikin niya ang bayan sa Ehipto upang siya'y makapagparami ng mga kabayo, sapagkat sinabi sa inyo ng PANGINOON, 'Huwag na ninyong babalikan mula ngayon ang daang iyon.' Ni huwag siyang magpaparami ng mga asawa para sa kanyang sarili, upang huwag maligaw ang kanyang puso, ni huwag siyang magpaparami ng pilak at ginto. "Kapag siya'y uupo sa trono ng kanyang kaharian, ay kanyang susulatin ang isang sipi ng kautusang ito sa isang aklat, na nasa harapan ng mga paring Levita; at iyon ay mamamalagi sa kanya, at kanyang babasahin sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay, upang siya'y matutong matakot sa PANGINOON niyang Diyos, upang isagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito at ng mga tuntuning ito; upang ang kanyang puso ay huwag magmataas sa kanyang mga kapatid at huwag siyang tumalikod sa utos, maging sa kanan o sa kaliwa, upang mapahaba niya at ng kanyang mga anak ang kanyang paghahari sa Israel. “ Ang mga paring Levita, na buong lipi ni Levi, ay hindi magkakaroon ng bahagi ni mana na kasama ng Israel. Sila'y kakain ng mga handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy, at ng kanyang mana. Sila'y hindi magkakaroon ng mana na kasama ng kanilang mga kapatid; ang PANGINOON ang kanilang mana gaya ng sinabi niya sa kanila. At ito ang magiging bahagi ng mga pari sa bayan, mula sa kanila na naghahandog ng alay, maging baka o tupa. Kanilang ibibigay sa pari ang balikat, ang dalawang pisngi, at ang tiyan. Ang mga unang bunga ng iyong trigo, alak, langis, at ang unang balahibo ng iyong mga tupa ay ibibigay mo sa kanya. Sapagkat pinili siya ng PANGINOON mong Diyos sa lahat ng iyong mga lipi upang tumayong tagapaglingkod sa pangalan ng PANGINOON, siya at ang kanyang mga anak magpakailanman. "Kung ang isang Levita ay umalis sa alinman sa iyong mga bayan mula sa Israel kung saan siya naninirahan, at pumaroon siya sa dakong pipiliin ng PANGINOON, at maaari siyang pumaroon kapag gusto niya, ay maglilingkod nga siya sa pangalan ng PANGINOON niyang Diyos, na gaya ng ginagawa ng lahat ng kanyang mga kapatid na mga Levita, na tumatayo upang maglingkod sa harapan ng PANGINOON. Sila'y magkakaroon ng magkakaparehong bahagi na kakainin, bukod sa magmumula sa pinagbilhan sa pamana ng kanyang ama. "Pagpasok mo sa lupaing ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos ay huwag kang mag-aaral gumawa ng ayon sa mga karumaldumal na gawain ng mga bansang iyon. Huwag makakatagpo sa iyo ng sinumang nagsusunog sa apoy ng kanyang anak na lalaki o babae bilang isang handog, ng manghuhula, o manggagaway o engkantador, o mangkukulam, o gumagamit ng anting-anting, o nagpapagamit sa masasamang espiritu, o salamangkero, o sumasangguni sa mga patay. Sapagkat sinumang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumal-dumal sa PANGINOON, at dahil sa mga karumaldumal na gawaing ito ay pinalalayas sila ng PANGINOON mong Diyos sa harapan mo. Dapat kang manatiling walang kapintasan sa PANGINOON mong Diyos. Sapagkat ang mga bansang ito na iyong aagawan ay nakikinig sa mga manggagaway at mga manghuhula; ngunit tungkol sa iyo, hindi ka pinahintulutan ng PANGINOON mong Diyos na gawin mo ang gayon. "Palilitawin ng PANGINOON mong Diyos para sa iyo ang isang propeta na gaya ko mula sa iyong sariling mga kapatid. Sa kanya kayo makikinig. Ito ang inyong hiniling sa PANGINOON mong Diyos sa Horeb, sa araw ng pagtitipon nang inyong sabihin, 'Huwag mong muling iparinig sa akin ang tinig ng PANGINOON kong Diyos, ni ipakita pa sa akin itong malaking apoy, upang huwag akong mamatay' At sinabi ng PANGINOON sa akin, 'Tama ang sinasabi nila. Ako'y hihirang para sa kanila ng isang propeta na gaya mo mula sa kanilang mga kapatid at aking ilalagay ang aking mga salita sa bibig niya at kanyang sasabihin sa kanila ang lahat ng aking iuutos sa kanya. At sinumang hindi makikinig sa aking mga salita na kanyang bibigkasin sa aking pangalan ay pananagutin ko tungkol doon. Ngunit ang propetang magsasalita ng salitang may kapangahasan sa aking pangalan, na hindi ko iniutos na kanyang sabihin o magsasalita sa pangalan ng ibang mga diyos, ang propetang iyon ay mamamatay.' At kung iyong sasabihin sa iyong puso, 'Paano namin malalaman ang salita na hindi sinabi ng PANGINOON?' Kapag ang isang propeta ay nagsasalita sa pangalan ng PANGINOON, kung ang bagay na sinasabi ay hindi naganap ni nagkatotoo, ang salitang iyon ay hindi sinabi ng PANGINOON; ang propetang iyon ay nagsalita nang may kapangahasan, huwag mo siyang katatakutan. “Kapag nilipol na ng PANGINOON mong Diyos ang mga bansa, na ang lupain ay ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos, at hahalili ka sa kanila, at iyong titirahan ang kanilang mga bayan, at ang kanilang mga bahay; ay magbubukod ka ng tatlong lunsod para sa iyo sa lupain na ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos upang angkinin. Ihahanda mo ang mga daan at hatiin mo sa tatlo ang lawak ng iyong lupain na ipapamana sa iyo ng PANGINOON mong Diyos upang ang bawat nakamatay ng tao ay tumakas patungo roon. "At ito ang kalagayan ng nakamatay ng tao na tatakas doon at mabubuhay: sinumang makapatay sa kanyang kapwa nang di sinasadya, na hindi niya naging kaaway nang panahong nakaraan; gaya ng isang tao na nagtungo sa gubat na kasama ang kanyang kapwa upang pumutol ng kahoy at itinaas ng kanyang kamay ang palakol upang putulin ang punungkahoy, dumulas ang patalim sa hawakan at tumama sa kanyang kapwa kaya't siya ay namatay, siya ay tatakas sa isa sa mga lunsod na iyon at siya'y mabubuhay. Kung hindi, ang tagapaghiganti ng dugo, samantalang nag-iinit sa galit, ay hahabulin ang nakamatay at aabutan siya, sapagkat ang daan ay mahaba, at siya'y saktan ng malubha, gayong siya'y hindi dapat patayin yamang hindi niya naging kaaway nang panahong nakaraan. Kaya't iniuutos ko sa iyo, Magbubukod ka ng tatlong lunsod. At kung palawakin ng PANGINOON mong Diyos ang iyong hangganan gaya ng kanyang ipinangako sa iyong mga ninuno, at ibigay niya sa iyo ang buong lupain na kanyang ipinangakong ibibigay sa iyong mga ninuno; kung iyong isasagawa ang lahat ng utos na ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, na ibigin ang PANGINOON mong Diyos at lumakad kailanman sa kanyang mga daan, ay magdadagdag ka pa nga ng tatlong lunsod, bukod sa tadong ito, upang hindi dumanak ang dugong walang sala sa gitna ng iyong lupain na ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos bilang pamana, kung gayon ang pagkakasala ng dugong dumanak ay mapapasaiyo. "Ngunit kung ang sinuman ay napopoot sa kanyang kapwa, at kanyang inabangan siya, kanyang sinalakay siya at kanyang saktan siya ng malubha, anupa't namatay, at siya'y tumakas sa isa sa mga lunsod na ito, ay magsusugo nga ang matatanda sa kanyang lunsod at kukunin siya roon, at ibibigay siya sa kamay ng tagapaghiganti ng dugo, upang siya'y mamatay. Huwag mo siyang titingnan na may pagkahabag kundi aalisin mo ang pagkakasala ng dugong walang sala mula sa Israel para sa ikabubuti mo. "Huwag mong aalisin ang muhon ng iyong kapwa na inilagay ng mga matatanda noong una. Sa mana na iyong mamanahin sa lupaing ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos upang angkinin ay huwag mong aalisin. "Ang nag-iisang saksi ay hindi mangingibabaw laban sa isang tao sa anumang kasamaan o kasalanang kanyang nagawa; sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi ay pagtitibayin ang usapin. Kung ang isang sinungaling na saksi ay tumindig laban sa kanino man upang sumaksi laban sa kanya tungkol sa isang masamang gawa, ang dalawang taong may alitan ay tatayo sa harap ng PANGINOON, sa harapan ng mga pari at ng mga hukom na nanunungkulan sa mga araw na iyon; at sisiyasating mabuti ng mga hukom, kapag ang saksi ay saksing sinungaling at sumaksi sa kasinungalingan laban sa kanyang kapatid, gagawin mo sa kanya ang gaya ng kanyang inisip gawin sa kanyang kapatid; sa gayo'y iyong aalisin ang kasamaan sa gitna mo; at maririnig ng iba at matatakot, at hindi na sila gagawa pa ng gayong kasamaan sa gitna mo. Huwag kang magpapakita ng pagkahabag; buhay sa buhay, mata sa mata, ngipin sa ngipin, kamay sa kamay, paa sa paa. “Kapag ikaw ay hahayo upang makidigma laban sa iyong mga kaaway at makakita ka ng mga kabayo, mga karwahe, at ng isang hukbong mas malaki kaysa iyo, huwag kang matatakot sa kanila, sapagkat ang PANGINOON mong Diyos ay kasama mo na siyang naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto. Paglapit ninyo sa labanan, ang pari ay lalapit at magsasalita sa mga kawal, at sasabihin sa kanila, 'Pakinggan mo, O Israel, kayo'y lumapit sa araw na ito sa pakikidigma sa inyong mga kaaway; huwag manlupaypay ang inyong puso; huwag kayong matakot, ni manginig, ni maduwag dahil sa kanila; sapagkat ang PANGINOON ninyong Diyos ay siyang humahayong kasama ninyo upang ipakipaglaban kayo sa inyong mga kaaway, upang kayo'y pagtagumpayin.' Ang mga pinuno ay magsasalita sa mga kawal, 'Sinong tao ang nagtayo ng isang bagong bahay, at hindi pa niya naitatalaga? Hayaan siyang umalis at bumalik sa kanyang bahay, baka siya'y mamatay sa pakikipaglaban at ibang tao ang magtalaga. At sinong lalaki ang may itinanim na isang ubasan at hindi pa niya napapakinabangan ang bunga niyon? Hayaan siyang umalis at bumalik sa kanyang bahay, baka siya'y mamatay sa digmaan at ibang lalaki ang makinabang ng bunga niyon. At sinong lalaki ang naitakdang ikasal sa isang babae at di pa niya nakukuha? Hayaan siyang umalis at bumalik sa kanyang bahay, baka siya'y mamatay sa pakikipaglaban, at ibang lalaki ang kumuha sa kanya.' Muling magsasalita ang mga pinuno sa mga kawal at kanilang sasabihin, 'Sinong lalaki ang matatakutin at mahina ang loob? Hayaan siyang umalis at bumalik sa kanyang bahay, baka ang puso ng kanyang mga kapatid ay manlupaypay na gaya ng kanyang puso.' Kapag ang mga pinuno ay tapos nang makapagsalita sa mga kawal, sila'y pipili ng mga pinuno ng mga hukbo upang mamuno sa kanila. "Kapag ikaw ay lalapit sa isang bayan upang makipaglaban ay iyo ngang ihahayag ang kapayapaan doon. Kung sagutin ka ng kapayapaan at pagbuksan ka, ang buong bayang matatagpuan sa loob ay gagawa ng sapilitang paglilingkod at maglilingkod sa iyo. Ngunit kung ayaw nitong sumuko nang mapayapa sa iyo kundi makikipaglaban sa iyo, kukubkubin mo nga ito; at kapag ibinigay ng PANGINOON mong Diyos sa iyong kamay, papatayin mo ang bawat lalaki niyon ng talim ng tabak. Ngunit ang mga babae, mga bata, mga hayop, ang lahat na nasa mga kawal, ang lahat ng nasamsam doon ay kukunin mo bilang samsam; at kakainin mo ang nasamsam mula sa iyong mga kaaway na ibinigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos. Gayon ang iyong gagawin sa lahat ng bayang napakalayo sa iyo, na hindi sa mga lunsod ng mga bansang naririto. Ngunit sa mga bayan ng mga taong ito na ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos bilang pamana ay huwag kang magtitira ng may buhay sa anumang bagay na humihinga. Kundi iyong lilipulin sila: ang Heteo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Heveo, at ang Jebuseo, gaya ng iniutos sa iyo ng PANGINOON mong Diyos, upang huwag nila kayong turuang gumawa ng ayon sa lahat nilang karumaldumal na mga gawa na kanilang ginawa sa kanilang mga diyos upang kayo'y magkasala laban sa PANGINOON ninyong Diyos. "Kapag iyong kinubkob nang mahabang panahon ang isang bayan sa digmaan upang ito ay makubkob, huwag mong sisirain ang mga punungkahoy niyon sa pamamagitan ng pagpalakol, sapagkat makakakain ka sa mga iyon at huwag mong puputulin. Ang mga punungkahoy ba sa parang ay mga tao na sasakupin mo? Tanging ang mga punungkahoy na nalalaman mong hindi nagbubunga ng pagkain ang iyong sisirain at puputulin; at magtatayo ka ng mga kuta laban sa bayang lumalaban sa iyo hanggang sa maibuwal mo. "Kung sa lupain na ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos upang angkinin ay may matagpuang pinatay na nakabulagta sa parang at hindi malaman kung sinong pumatay sa kanya, lalabas ang iyong matatanda at ang iyong mga hukom, at kanilang susukatin ang layo ng mga bayang nasa palibot ng pinaslang; at ang matatanda sa bayang iyon na malapit sa pinatay ay kukuha ng isang dumalagang baka sa bakahan na hindi pa nagagamit at hindi pa nakakapagpasan ng pamatok. Ang matatanda sa bayang iyon ay dadalhin ang dumalagang baka sa isang libis na may agos ng tubig, na di pa naaararo ni nahahasikan, at babaliin ang leeg ng dumalagang baka doon sa libis. Ang mga pari na mga anak ni Levi ay lalapit sapagkat sila ang pinili ng PANGINOON mong Diyos na mangasiwa sa kanya at upang magbasbas sa pangalan ng PANGINOON; at sa pamamagitan ng kanilang salita ay pagpapasiyahan ang bawat pagtatalo at bawat pananakit. At lahat ng matatanda sa bayang iyon na malapit sa pinatay ay maghuhugas ng kanilang kamay sa ibabaw ng dumalagang baka na binali ang leeg sa libis; at sila'y sasagot at sasabihin, 'Ang aming kamay ay hindi nagpadanak ng dugong ito, ni nakita ng aming mga mata na ito'y dumanak. Patawarin mo, O PANGINOON, ang iyong bayang Israel na iyong tinubos, at huwag mong ilagay ang dugong walang sala sa gitna ng iyong bayang Israel, at ang dugo'y ipatatawad sa kanila.' Gayon mo aalisin ang pagkakasala ng dugong walang sala sa gitna mo, kapag gagawin mo ang matuwid sa paningin ng PANGINOON. "Kapag ikaw ay lumabas upang makipagdigma laban sa iyong mga kaaway, at ibibigay sila ng PANGINOON mong Diyos sa iyong mga kamay, at dadalhin mo silang bihag, at makakakita ka sa mga bihag ng isang magandang babae at magkaroon ka ng pagnanais na kunin siya para sa iyo bilang asawa, dadalhin mo siya sa iyong bahay, kanyang aahitan ang kanyang ulo, at gugupitin ang kanyang mga kuko; at kanyang huhubarin ang suot na pagkabihag sa kanya at maninirahan sa iyong bahay. Iiyakan niya ang kanyang ama at ang kanyang ina sa loob ng isang buwan; at pagkatapos noo'y sisiping ka sa kanya. Ikaw ay magiging asawa niya, at siya'y magiging iyong asawa. Kung di mo siya magustuhan ay pababayaan mo siyang pumunta kung saan niya ibig. Ngunit huwag mo siyang ipagbibili para sa salapi, huwag mo siyang ituring na alipin, yamang ipinahiya mo siya. "Kung ang isang lalaki ay may dalawang asawa na ang isa'y minamahal, at ang isa'y kinapopootan, at kapwa magkaanak sa kanya ang minamahal at ang kinapopootan, at kung ang naging panganay ay sa kinapopootan, kung gayon sa araw na kanyang itakda na ibigay ang kanyang mga ari-arian bilang pamana sa kanyang mga anak, siya ay hindi pinahihintulutang gawing panganay ang anak ng minamahal na higit sa anak ng kinapopootan na siyang panganay. Dapat niyang kilalaning panganay ang anak ng kinapopootan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng dalawang bahagi sa lahat ng mayroon siya, sapagkat siya ang pasimula ng kanyang lakas at ang karapatan ng pagkapanganay ay kanya. "Kung ang isang tao ay may anak na matigas ang ulo at mapaghimagsik, at ayaw makinig sa tinig ng kanyang ama, o sa tinig ng kanyang ina, at bagaman kanilang parusahan siya ay ayaw makinig sa kanila, hahawakan siya ng kanyang ama at ina at dadalhin sa matatanda sa kanyang bayan, sa pintuang-bayan sa lugar na kaniyang tinatahanan. Kanilang sasabihin sa matatanda sa kanyang bayan, 'Itong aming anak ay matigas ang ulo at mapaghimagsik at ayaw niyang pakinggan ang aming tinig; siya'y matakaw at maglalasing.' Kung gayon, ang lahat ng mga lalaki sa kanyang bayan ay babatuhin siya ng mga bato upang siya'y mamatay; gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo. Ito'y maririnig ng buong Israel, at sila'y matatakot. "Kung ang isang lalaki ay magkasala ng kasalanang nararapat sa kamatayan at siya'y patayin, at siya'y ibinitin mo sa isang punungkahoy; ang kanyang bangkay ay hindi dapat manatili nang magdamag sa punungkahoy. Dapat siyang ilibing sa araw ding iyon, sapagkat ang taong binitay ay isinumpa ng Diyos upang huwag mong marumihan ang iyong lupa na ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos bilang pamana. "Huwag mong hahayaang maligaw ang baka ng iyong kapatid o ang kanyang tupa, o ikaw ay magkait ng tulong sa kanila; ibabalik mo ang mga iyon sa iyong kapatid. Kung ang iyong kapatid ay malayo sa iyo o kung hindi mo siya kilala, iuuwi mo ito sa iyong bahay at mananatili sa iyo hanggang sa hanapin ng may-ari, at kung gayo'y isasauli mo sa kanya. Gayundin ang iyong gagawin sa kanyang asno; gayundin ang iyong gagawin sa kanyang damit, at gayundin ang iyong gagawin sa bawat nawalang bagay ng iyong kapatid na nawala sa kanya at iyong natagpuan. Huwag kang magkait ng tulong. Huwag mong hahayaang nakatumba sa daan ang asno ng iyong kapatid o ang kanyang baka at hindi mo pansinin. Tutulong ka na muling maitayo niya. "Ang babae ay huwag mananamit ng nauukol sa lalaki, ni ang lalaki ay magsusuot ng damit ng babae; sapagkat sinumang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumaldumal sa PANGINOON mong Diyos. "Kung nagkataong ang isang pugad ng ibon ay matagpuan mo sa daan, o sa anumang punungkahoy, o sa lupa, na may mga inakay, o mga itlog at lumilimlim ang inahin sa mga inakay, o sa mga itlog, huwag mong kukunin ang inahin na kasama ng mga inakay. Pakawalan mo ang inahin, ngunit ang inakay ay makukuha mo para sa iyo; para sa kabutihan mo at upang ikaw ay mabuhay nang mahaba. "Kapag ikaw ay magtatayo ng isang bagong bahay, gagawa ka ng isang harang para sa iyong bubungan upang huwag kang magkaroon ng dugo ng maysala sa iyong bahay, kung ang sinumang tao ay mahulog mula roon. "Huwag mong tatamnan ang iyong ubasan ng dalawang magkaibang binhi, baka ang lahat ng bunga ay masira, ang binhi na iyong inihasik at ang bunga. ng ubasan. Huwag kang mag-aararo na may isang baka at isang asno ang magkatuwang. Huwag kang magsusuot ng magkahalong tela, ng lana at lino na magkasama. "Gagawa ka para sa iyo ng mga tirintas sa apat na laylayan ng iyong balabal, na itinatakip mo sa iyo. "Kung ang sinumang lalaki ay mag-asawa at pagkatapos sumiping sa babae, ay kanyang kapootan siya, at kanyang pagbintangan ng mga kahiya-hiyang bagay at siraan siya ng dangal sa pamamagitan ng pagsasabing, 'Aking kinuha ang babaing ito, ngunit nang sipingan ko siya ay hindi ko natagpuan sa kanya ang mga tanda ng pagkabirhen.' Kung magkagayo'y, ang ama at ina ng dalaga ay magbibigay ng mga katibayan ng pagkabirhen ng babae sa matatanda sa lunsod sa pintuang-bayan; at sasabihin ng ama ng dalaga sa matatanda, 'Ibinigay ko ang aking anak sa lalaking ito upang maging asawa ngunit kanyang kinapootan siya. Kanyang pinagbibintangan siya ng mga kahiya-hiyang bagay sa pagsasabing, "Hindi ko natagpuan sa iyong anak ang mga katibayan ng pagkabirhen;" gayunma'y ito ang mga tanda ng pagkabirhen ng aking anak.' At kanilang ilaladlad ang kasuotan sa harapan ng matatanda sa bayan. Kukunin ng matatanda sa lunsod na iyon ang lalaki at siya'y hahagupitin; at kanilang pagbabayarin siya ng isang daang siklong pilak at ibibigay sa ama ng dalaga sapagkat kanyang siniraang-puri ang isang dalaga ng Israel. Siya'y mananatili bilang kanyang asawa; hindi niya mapapalayas ang babae sa lahat ng kanyang mga araw. Ngunit kung ang bagay na ito ay totoo na ang mga tanda ng pagkabirhen ay hindi natagpuan sa dalaga, kanila ngang ilalabas ang dalaga sa pintuan ng bahay ng kanyang ama, at babatuhin siya ng mga bato ng mga lalaki sa kanyang bayan upang siya'y mamatay. Nagkasala siya ng kahangalan sa Israel sa paggawa ng kahalayan sa bahay ng kanyang ama; gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo. "Kung ang isang lalaki ay matagpuang sumisiping sa isang babaing may asawa, kapwa sila papatayin, ang lalaki na sumiping sa babae at ang babae. Gayon mo aalisin ang kasamaan sa Israel. "Kung ang isang dalaga ay nakatakdang ikasal sa isang lalaki, at natagpuan siya ng isang lalaki sa bayan, at sumiping sa kanya; kapwa mo sila ilalabas sa pintuan ng lunsod na iyon at inyong babatuhin sila ng mga bato upang sila'y mamatay; ang dalaga, sapagkat hindi siya sumigaw kahit na siya ay nasa lunsod, at ang lalaki, sapagkat nilapastangan niya ang asawa ng kanyang kapwa. Gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo. "Ngunit kung matagpuan ng lalaki sa parang ang isang dalagang nakatakdang ikasal, at pilitin siya ng lalaki na sipingan siya, ang lalaki lamang na sumiping sa kanya ang papatayin. Ngunit ang dalaga ay huwag mong gagawan ng anuman; sa dalaga ay walang anumang kasalanang nararapat ikamatay, sapagkat ang usaping ito ay gaya nang isang lalaking dinaluhong at pinatay ang kanyang kapwa. Yamang kanyang natagpuan ang dalaga sa parang, ang dalagang nakatakdang ikasal ay maaaring sumigaw ngunit walang magligtas sa kanya. "Kung matagpuan ng isang lalaki ang isang dalagang hindi pa nakatakdang ikasal, at kanyang sinunggaban at sinipingan siya, at sila'y nahuli sa akto, ang lalaking sumiping sa kanya ay magbibigay sa ama ng dalaga ng limampung siklong pilak, at ang dalaga ay magiging kanyang asawa. Sapagkat kanyang nilapastangan siya, hindi niya maaaring hiwalayan ang dalaga hangga't siya ay nabubuhay. "Huwag kukunin ng isang lalaki ang asawa ng kanyang ama at huwag ililitaw ang balabal ng kanyang ama. "Ang sinumang nadurog ang itlog o naputol ang ari ay hindi maaaring pumasok sa kapulungan ng PANGINOON. "Ang isang anak sa labas ay hindi maaaring pumasok sa kapulungan ng PANGINOON; kahit na hanggang sa ikasampung salinlahi ay walang papasok sa kanyang mga anak sa kapulungan ng PANGINOON. "Ang isang Amonita o Moabita ay hindi maaaring pumasok sa kapulungan ng PANGINOON; hanggang sa ikasampung salinlahi ay wala sa kanilang maaaring pumasok sa kapulungan ng PANGINOON magpakailanman. Sapagkat hindi nila kayo sinalubong sa daan na may tinapay at tubig nang kayo'y dumating mula sa Ehipto; at sapagkat inupahan nila laban sa iyo si Balaam na anak ni Beor mula sa Petor ng Mesopotamia upang sumpain ka. Gayunma'y hindi pinakinggan ng PANGINOON mong Diyos si Balaam; kundi ginawang pagpapala ng PANGINOON mong Diyos ang sumpa sa iyo sapagkat minamahal ka ng PANGINOON mong Diyos. Huwag mong hahanapin ang kanilang kapayapaan o ang kanilang pag-unlad sa lahat ng iyong mga araw magpakailanman. "Huwag mong kasusuklaman ang Edomita sapagkat siya'y iyong kapatid. Huwag mong kasusuklaman ang mga Ehipcio, sapagkat ikaw ay naging dayuhan sa kanyang lupain. Ang mga anak ng ikatlong salinlahi na ipinanganak sa kanila ay makakapasok sa kapulungan ng PANGINOON. "Kapag ikaw ay lalabas sa kampo laban sa iyong mga kaaway, lalayo ka sa bawat masamang bagay. "Kung mayroong sinumang lalaki sa inyo na hindi malinis dahil sa anumang nangyari sa kanya sa kinagabihan, lalabas siya sa kampo; hindi siya papasok sa loob ng kampo. Ngunit sa pagsapit ng gabi, siya'y maliligo sa tubig at kapag lubog na ang araw, ay papasok siya sa kampo. "Magkakaroon ka rin ng isang pook sa labas ng kampo na ikaw ay lalabas doon; at ikaw ay magkakaroon din ng isang kahoy na kabilang sa iyong mga sandata. Kapag ikaw ay dudumi sa labas, gagawa ka ng hukay sa pamamagitan nito at pagkatapos ay tatabunan mo ang iyong dumi. Sapagkat ang PANGINOON mong Diyos ay lumalakad sa gitna ng iyong kampo upang iligtas ka at ibigay ang iyong mga kaaway sa harapan mo, kaya't ang iyong kampo ay magiging banal upang huwag siyang makakita ng anumang kahiyahiyang bagay sa gitna ninyo at lumayo sa iyo. "Huwag mong ibabalik sa kanyang panginoon ang isang aliping tumakas sa kanyang panginoon at pumunta sa iyo. Siya'y maninirahang kasama mo, sa gitna mo, sa dakong kanyang pipiliin sa loob ng isa sa iyong mga bayan na kanyang nais; huwag mo siyang pagmamalupitan. "Huwag magkakaroon ng bayarang babae sa mga anak na babae ng Israel, ni magkakaroon ng bayarang lalaki sa mga anak na lalaki ng Israel. Huwag mong dadalhin ang upa sa isang masamang babae, o ang pasahod sa isang aso sa bahay ng PANGINOON mong Diyos para sa anumang panata, sapagkat ang mga ito ay kapwa karumaldumal sa PANGINOON mong Diyos. "Huwag kang magpapahiram na may patubo sa iyong kapatid, patubo ng salapi, patubo ng kakainin, patubo ng anumang bagay na ipinapahiram na may patubo. Sa isang dayuhan ay makapagpapahiram ka na may patubo, ngunit sa iyong kapatid ay huwag kang magpapahiram na may patubo upang pagpalain ka ng PANGINOON mong Diyos sa lahat ng gagawin mo sa lupain na malapit mo nang pasukin upang angkinin. "Kapag ikaw ay gagawa ng isang panata sa PANGINOON mong Diyos, huwag kang magiging mabagal sa pagbabayad nito, sapagkat tiyak na hihingin sa iyo ng PANGINOON mong Diyos, at ikaw ay magkakasala. Ngunit kung iiwasan mong gumawa ng panata, ito ay hindi magiging kasalanan sa iyo. Maingat mong isasagawa ang lumabas sa iyong mga labi, ayon sa iyong kusang loob na ipinanata sa PANGINOON mong Diyos, na ipinangako ng iyong bibig. "Kapag ikaw ay pumasok sa ubasan ng iyong kapwa ay makakakain ka ng mga nagustuhan mong ubas hanggang sa ikaw ay mabusog; ngunit huwag kang maglalagay sa iyong sisidlan. Kapag ikaw ay lumapit sa nakatayong trigo ng iyong kapwa, mapipitas mo ng iyong kamay ang mga uhay; ngunit huwag kang gagamit ng karit sa nakatayong trigo ng iyong kapwa. "Kapag ang isang lalaki ay kumuha ng isang babae at pinakasalan, at kung ang babae ay hindi kalugdan ng kanyang paningin, sapagkat natagpuan niya itong may isang kahiya-hiyang bagay, lalagda ang lalaki ng isang kasulatan ng paghihiwalay at ibibigay niya sa kanyang kamay. Kanyang palalabasin siya sa kanyang bahay, at pagkaalis niya sa bahay ng lalaki ay makakahayo siya at makakapag-asawa sa ibang lalaki; kung kapootan siya ng huling asawa, at lagdaan siya ng isang kasulatan ng paghihiwalay at ibigay sa kanyang kamay, at palabasin siya sa kanyang bahay; o kung mamatay ang huling asawa na kumuha sa kanya upang maging asawa niya; hindi na siya muling makukuha upang maging asawa ng kanyang unang asawa na humiwalay sa kanya, pagkatapos na siya'y marumihan; sapagkat iyo'y karumaldumal sa harapan ng PANGINOON. Huwag mong dadalhan ng pagkakasala ang lupain na ibinibigay bilang pamana sa iyo ng PANGINOON mong Diyos. "Kapag ang isang lalaki ay bagong kasal, hindi siya lalabas upang sumama sa hukbo ni mamamahala ng anumang katungkulan. Siya'y magiging malaya sa bahay sa loob ng isang taon at kanyang pasasayahin ang kanyang asawa na kanyang kinuha. "Walang taong kukuha ng gilingan o ng batong nasa itaas ng gilingan bilang isang sangla, sapagkat para na niyang kinuha bilang sangla ang buhay. "Kung ang sinuman ay matagpuang nagnanakaw ng sinuman sa kanyang mga kapatid sa mga anak ni Israel, at kanyang inalipin siya o ipinagbili siya, ang magnanakaw na iyon ay papatayin. Gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo. "Mag-ingat ka sa salot na ketong. Masikap mong gawin ang ayon sa lahat ng ituturo sa iyo ng mga paring Levita. Kung paanong iniutos ko sa kanila ay gayon mo isasagawa. Alalahanin mo ang ginawa ng PANGINOON mong Diyos kay Miriam sa daan nang kayo'y lumalabas sa Ehipto. "Kapag ikaw ay magpapahiram sa iyong kapwa ng anumang bagay, huwag kang papasok sa kanyang bahay upang kunin ang kanyang sangla. Ikaw ay tatayo sa labas, at ang taong iyong pinahihiram ang maglalabas ng sangla sa iyo. Kung siya'y taong mahirap ay huwag kang matutulog na nasa iyo ang sangla niya. Isasauli mo sa kanya ang sangla paglubog ng araw, upang siya'y matulog sa kanyang balabal at pagpalain ka. Ito ay magiging katuwiran mo sa harapan ng PANGINOON mong Diyos. "Huwag mong pagmamalupitan ang isang upahang manggagawa na dukha at nangangailangan, maging siya'y mula sa iyong mga kapatid, o sa mga dayuhan na nasa lupain mo sa loob ng iyong mga bayan. Ibibigay mo sa kanya ang kanyang upa sa araw na kinita niya iyon, bago lumubog ang araw sapagkat siya'y mahirap at itinalaga niya roon ang kanyang puso; baka siya'y dumaing sa PANGINOON laban sa iyo at maging kasalanan mo. "Ang mga magulang ay hindi papatayin dahil sa mga anak, ni ang mga anak ay papatayin dahil sa mga magulang; bawat tao'y papatayin dahil sa kanyang sariling kasalanan. "Huwag mong babaluktutin ang katarungan sa dayuhan ni sa ulila; ni huwag mong kukuning sangla ang damit ng babaing balo; kundi aalalahanin mo na ikaw ay naging alipin sa Ehipto at tinubos ka ng PANGINOON mong Diyos mula roon; kaya't iniuutos ko sa iyong gawin mo ito. "Kapag inaani mo ang iyong ani sa bukid at nalimutan mo ang isang bigkis sa bukid ay huwag mong babalikan upang kunin iyon. Iyon ay magiging para sa dayuhan, sa ulila, at sa babaing balo, upang pagpalain ka ng PANGINOON mong Diyos sa lahat ng gawa ng iyong mga kamay. Kapag pinipitasan mo ang iyong puno ng olibo ay huwag mong babalikan ang mga nalampasan; ito ay magiging para sa dayuhan, sa ulila, at sa babaing balo. Kapag ikaw ay namimitas sa iyong ubasan, huwag mong pupulutin ang nasa likuran mo; ito ay magiging para sa dayuhan, sa ulila, at sa babaing balo. At iyong aalalahanin na ikaw ay naging alipin sa lupain ng Ehipto; kaya't iniuutos ko na gawin mo ito. "Kung magkaroon ng usapin ang mga tao at sila'y pumunta sa hukuman, at sila'y hahatulan; kanilang pawawalang-sala ang matuwid at parurusahan ang salarin. Kung ang salarin ay nararapat hagupitin, padadapain siya ng hukom sa lupa, at hahagupitin sa kanyang harapan na may bilang ng hagupit ayon sa kanyang pagkakasala. Apatnapung hagupit ang ibibigay sa kanya, huwag lalampas; baka kung siya'y hagupitin niya nang higit sa bilang na ito, ang iyong kapatid ay maging hamak sa iyong paningin. "Huwag mong bubusalan ang baka kapag gumigiik. "Kung ang magkapatid ay naninirahang magkasama, at isa sa kanila'y namatay at walang anak, ang asawang babae ng namatay ay huwag mag-aasawa ng isang dayuhan o sa labas ng pamilya. Ang kapatid na lalaki ng kanyang asawa ay sisiping sa kanya, kukunin siya bilang asawa, at tutuparin sa kanya ang tungkulin ng kapatid na namatay. Ang panganay na kanyang ipapanganak ay papalit sa pangalan ng kanyang kapatid na namatay upang ang kanyang pangalan ay huwag mapawi sa Israel. At kung ayaw kunin ng lalaki ang asawa ng kanyang kapatid, ang asawa ng kanyang kapatid ay pupunta sa pintuang-bayan sa matatanda, at sasabihin, 'Ang kapatid ng aking asawa ay tumatangging itindig ang pangalan ng kanyang kapatid sa Israel; ayaw niyang tuparin sa akin ang tungkulin ng kapatid na namatay.' Kung magkagayo'y tatawagin siya ng matatanda sa kanyang bayan at makikipag-usap sa kanya; at kung siya'y magpumilit at sabihin, Ayaw kong kunin siya;' ang asawa ng kanyang kapatid ay lalapit sa kanya sa harapan ng matatanda at huhubarin ang sandalyas sa kanyang mga paa, at luluraan siya sa mukha; at siya'y sasagot at sasabihin, 'Ganyan ang gagawin sa lalaking ayaw magtindig ng sambahayan ng kanyang kapatid.' At ang kanyang pangala'y tatawagin sa Israel, 'Ang bahay ng hinubaran ng sandalyas.' "Kapag may dalawang lalaking nag-aaway at ang asawang babae ng isa ay lumapit upang iligtas ang kanyang asawa sa kamay ng nananakit sa kanya sa pamamagitan ng pag-uunat niya ng kanyang kamay at paghawak sa maselang bahagi ng lalaki, iyo ngang puputulin ang kamay ng babae. Huwag kang magpapakita ng habag. "Huwag kang magkakaroon sa iyong supot ng dalawang uri ng pabigat, isang malaki at isang maliit. Huwag kang magkakaroon sa iyong bahay ng dalawang uri ng takalan, isang malaki at isang maliit. Magkaroon ka lamang ng isang tunay at tapat na pabigat; magkaroon ka lamang ng isang tunay at tapat na takalan upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupaing ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos. Sapagkat ang lahat ng gumagawa ng gayong mga bagay, ang lahat ng gumagawa ng pandaraya ay kasuklam-suklam sa PANGINOON mong Diyos. "Alalahanin mo ang ginawa sa iyo ng Amalek sa daan nang ikaw ay lumabas sa Ehipto; kung paanong sinalubong ka niya sa daan, at pinatay niya ang mga kahuli-hulihan sa iyo, ang lahat na mahina sa hulihan mo, nang ikaw ay pagod at nanghihina; at siya'y hindi natakot sa Diyos. Kaya't kapag binigyan ka ng PANGINOON mong Diyos ng kapahingahan sa lahat ng iyong mga kaaway sa palibot, sa lupain na ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos na pinakamana upang angkinin ay iyong papawiin ang alaala ng Amalek sa ilalim ng langit; huwag mong kakalimutan. "Kapag nakapasok ka sa lupaing ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos bilang pamana, at iyong naangkin at iyong tinitirhan; kukunin mo ang bahagi ng una sa lahat ng bunga ng lupain na iyong aanihin sa lupaing ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos, iyong isisilid sa isang buslo. Ikaw ay pupunta sa lugar na pipiliin ng PANGINOON mong Diyos, bilang tahanan ng kanyang pangalan. Pupunta ka sa pari na nangangasiwa nang araw na iyon at sasabihin mo sa kanya, 'Aking ipinahahayag sa araw na ito sa PANGINOON mong Diyos, na ako'y dumating na sa lupaing ipinangako ng PANGINOON, sa aming mga magulang na ibibigay saamin.' Kukunin ng pari ang buslo sa iyong kamay at ilalagay sa harapan ng dambana ng PANGINOON mong Diyos. "At ikaw ay sasagot at magsasabi sa harapan ng PANGINOON mong Diyos, 'Ang aking ama ay isang lagalag na taga-Aram. Siya ay bumaba sa Ehipto at nanirahan doon, na iilan sa bilang, at doo'y naging isang bansang malaki, makapangyarihan, at makapal. Kami ay pinagmalupitan, pinahirapan at inatangan kami ng mabigat na pagkaalipin ng mga Ehipcio. Kami ay dumaing sa PANGINOON, sa Diyos ng aming mga ninuno at pinakinggan ng PANGINOON ang aming tinig, kanyang nakita ang aming kahirapan, ang aming gawa, at ang aming kaapihan. Inilabas kami ng PANGINOON sa Ehipto ng kamay na makapangyarihan, ng unat na bisig, ng malaking pagkasindak, ng mga tanda, at ng mga kababalaghan; at dinala niya kami sa lupaing ito, at ibinigay sa amin ang lupaing ito, na lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot. At ngayon, dala ko ang una sa mga bunga ng lupa na ibinigay mo sa akin, O PANGINOON.' Iyong ilalapag sa harapan ng PANGINOON mong Diyos, at sasamba ka sa harapan ng PANGINOON mong Diyos. Kaya ikaw, kasama ang mga Levita at ang mga dayuhang naninirahang kasama mo, ay magdiriwang sa lahat ng kasaganaang ibinigay sa iyo ng PANGINOON at sa iyong sambahayan. "Pagkatapos mong maibigay ang buong ikasampung bahagi ng iyong bunga sa ikatlong taon, na siyang taon ng pagbibigay ng ikasampung bahagi, na ibinibigay ito sa Levita, sa mga dayuhan, sa ulila, sa babaing balo, upang sila'y makakain sa loob ng iyong mga bayan, at mabusog, kung gayo'y iyong sasabihin sa harapan ng PANGINOON mong Diyos, 'Aking inalis ang mga bagay na banal sa aking bahay, at akin ding ibinigay sa Levita, sa dayuhan, sa ulila at sa babaing balo, ayon sa lahat ng utos na iyong iniutos sa akin; hindi ko nilabag ang anuman sa iyong mga utos, ni kinalimutan ang mga iyon. Hindi ko iyon kinain habang ako'y nagluluksa, ni inilabas ko nang ako'y marumi, ni ibinigay ko upang gamitin sa patay. Aking pinakinggan ang tinig ng PANGINOON kong Diyos; aking ginawa ayon sa lahat ng iniutos mo sa akin. Tumingin ka mula sa iyong banal na tahanan, mula sa langit, at pagpalain mo ang iyong bayang Israel, at ang lupa na iyong ibinigay sa amin, gaya ng iyong ipinangako sa aming mga ninuno, na isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.' "Sa araw na ito ay iniuutos sa iyo ng PANGINOON mong Diyos na tuparin mo ang mga tuntunin at mga batas na ito; iyo ngang maingat na tutuparin ng buong puso at kaluluwa mo. Ipinahayag mo sa araw na ito na ang PANGINOON ay iyong Diyos, at ikaw ay lalakad sa kanyang mga daan, at iyong gaganapin ang kanyang mga tuntunin at mga utos at mga batas, at iyong papakinggan ang kanyang tinig. Ipinahayag ng PANGINOON sa araw na ito na ikaw ay isang sambayanan na kanyang sariling pag-aari, gaya ng ipinangako niya sa iyo, na iyong tutuparin ang lahat ng kanyang utos, upang itaas ka sa lahat ng bansa na kanyang nilikha, sa ikapupuri, sa ikababantog, sa ikararangal; at upang ikaw ay maging isang banal na bayan sa PANGINOON mong Diyos, gaya ng kanyang sinabi." Pagkatapos, si Moises at ang matatanda sa Israel ay nag-utos sa taong-bayan, na sinasabi, "Tuparin ninyo ang lahat ng utos na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito. Sa araw na iyong tawirin ang Jordan patungo sa lupaing ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos ay maglalagay ka ng malalaking bato, at tatapalan ninyo ng plaster. Isusulat ninyo sa mga ito ang lahat ng mga salita ng kautusang ito kapag ikaw ay tumawid upang pumasok sa lupaing ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos, isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, na gaya ng ipinangako sa iyo ng PANGINOON, ng Diyos ng iyong mga ninuno. Pagtawid mo sa Jordan, ilalagay ninyo ang mga batong ito na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito, sa bundok ng Ebal at iyong tatapalan ng plaster. Doo'y magtatayo ka ng isang batong dambana sa PANGINOON mong Diyos, na hindi gagamitan ng kasangkapang bakal. Iyong itatayo na buong bato ang dambana ng PANGINOON mong Diyos, at maghahandog ka roon ng mga handog na sinusunog sa PANGINOON mong Diyos. Ikaw ay mag-aalay ng mga handog pangkapayapaan at iyong kakainin doon; at ikaw ay magagalak sa harapan ng PANGINOON mong Diyos; at isusulat mo nang malinaw sa mga batong iyon ang lahat ng mga salita ng kautusang ito." Si Moises at ang mga paring Levita ay nagsalita sa buong Israel, na sinasabi, "Tumahimik ka at pakinggan mo, O Israel; sa araw na ito ay naging bayan ka ng PANGINOON mong Diyos. Kaya't sundin mo ang tinig ng PANGINOON mong Diyos, at tuparin mo ang kanyang mga utos at ang kanyang mga tuntunin na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito." Inatasan ni Moises ang bayan ng araw na iyon, na sinasabi: "Pagtawid ninyo sa Jordan, ang mga ito'y tatayo sa ibabaw ng bundok ng Gerizim upang basbasan ang bayan: Simeon, Levi, Juda, Isacar, Jose, at Benjamin; at ang mga ito'y tatayo sa ibabaw ng bundok ng Ebal upang sumumpa: Ruben, Gad, Aser, ZebuIon, Dan, at Neftali. Ang mga Levita ay sasagot at magsasalita sa malakas na tinig sa lahat ng mga lalaki sa Israel. " 'Sumpain ang taong gumagawa ng larawang inukit o inanyuan, isang karumaldumal sa PANGINOON na gawa ng mga kamay ng manggagawa at lihim nainilagay sa isang dako.' At ang buong bayan ay sasagot at magsasabi, Amen.' " 'Sumpain ang sumisira ng puri ng kanyang ama o ng kanyang ina.' At ang buong bayan ay magsasabi, 'Amen.' " 'Sumpain ang mag-aalis ng muhon ng kanyang kapwa.' At ang buong bayan ay magsasabi, 'Amen.' " 'Sumpain ang magliligaw ng bulag sa daan.' At ang buong bayan ay magsasabi, 'Amen.' " 'Sumpain ang bumabaluktot ng katarungan para sa dayuhan, sa ulila at sa babaing balo.' At ang buong bayan ay magsasabi, Amen.' " 'Sumpain ang sumisiping sa asawa ng kanyang ama, sapagkat kanyang inililitaw ang balabal ng kanyang ama.' At ang buong bayan ay magsasabi, 'Amen.' " 'Sumpain ang sumisiping sa alinmang hayop.' At ang buong bayan ay magsasabi, 'Amen.' " 'Sumpain ang sumisiping sa kanyang kapatid na babae, sa anak ng kanyang ama, o sa anak na babae ng kanyang ina.' At ang buong bayan ay magsasabi, Amen.' " 'Sumpain ang sumisiping sa kanyang biyenang babae.' At ang buong bayan ay magsasabi, 'Amen.' " 'Sumpain ang pumapatay ng lihim sa kanyang kapwa.' At ang buong bayan ay magsasabi, Amen.' " 'Sumpain ang tumatanggap ng suhol upang pumatay ng isang taong walang sala.' At ang buong bayan ay magsasabi, 'Amen.' " 'Sumpain ang hindi sumasang-ayon sa mga salita ng kautusang ito upang gawin.' At ang buong bayan ay magsasabi, 'Amen.' "Kung susundin mo ang tinig ng PANGINOON mong Diyos at maingat mong gagawin ang lahat ng kanyang mga utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, itataas ka ng PANGINOON mong Diyos sa lahat ng mga bansa sa lupa; at ang lahat ng pagpapalang ito ay darating sa iyo at aabot sa iyo, kung iyong susundin ang tinig ng PANGINOON mong Diyos. Magiging mapalad ka sa lunsod, at magiging mapalad ka sa parang. Magiging mapalad ang bunga ng iyong katawan, ang bunga ng iyong lupa, ang bunga ng iyong mga hayop, ang karagdagan sa iyong bakahan at ang mga anak ng iyong kawan. Magiging mapalad ang iyong buslo at ang iyong masahan ng harina. Magiging mapalad ka sa iyong pagpasok at magiging mapalad ka sa iyong paglabas. "Tatalunin ng PANGINOON sa harapan mo ang iyong mga kaaway na babangon laban sa iyo; sila'y lalabas laban sa iyo sa isang landas at tatakas sa harapan mo sa pitong landas. Igagawad sa iyo ng PANGINOON ang kanyang pagpapala sa iyong mga kamalig at sa lahat ng iyong gagawin at pagpapalain ka niya sa lupain na ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos. Itatatag ka ng PANGINOON na isang banal na bayan para sa kanya, gaya ng kanyang ipinangako sa iyo, kung iyong gaganapin ang mga utos ng PANGINOON mong Diyos, at lalakad ka sa kanyang mga daan. Makikita ng lahat ng mga bayan sa lupa na ikaw ay tinawag sa pamamagitan ng pangalan ng PANGINOON at sila'y matatakot sa iyo. Ikaw ay pasasaganain ng PANGINOON sa ikabubuti mo, sa bunga ng iyong katawan, at sa bunga ng iyong mga hayop, at sa bunga ng iyong lupa, sa lupaing ipinangako ng PANGINOON sa iyong mga ninuno upang ibigay sa iyo. Bubuksan ng PANGINOON para sa iyo ang kanyang kamalig na punung-puno, ang langit, upang ibigay ang ulan sa iyong lupain sa kapanahunan, at upang pagpalain ang lahat mong ginagawa. Ikaw ay magpapahiram sa maraming bansa, at ikaw ay hindi hihiram. Gagawin ka ng PANGINOON na ulo at hindi buntot; ikaw ay magiging sa ibabaw lamang, at hindi ka mapapasailalim — kung iyong papakinggan ang mga utos ng PANGINOON mong Diyos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, na iyong susundin at gagawin. Huwag kang lilihis sa alinmang salita na aking iniuutos sa inyo sa araw na ito, sa kanan o sa kaliwa, upang sumunod sa ibang mga diyos at paglingkuran sila. "Ngunit kung hindi mo papakinggan ang tinig ng PANGINOON mong Diyos sa pamamagitan ng pagsasagawa ng lahat ng kanyang mga utos at tuntunin na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, ang lahat ng sumpang ito ay darating sa iyo at aabot sa iyo. Susumpain ka sa bayan, at susumpain ka sa parang. Susumpain ang iyong buslo at ang iyong masahan ng harina. Susumpain ang bunga ng iyong katawan, at ang bunga ng iyong lupa, ang karagdagan ng iyong bakahan at ang mga anak ng iyong kawan. Susumpain ka sa iyong pagpasok at susumpain ka sa iyong paglabas. "Ipararating ng PANGINOON sa iyo ang sumpa, ang pagkalito at pagkabigo sa lahat ng iyong gagawin, hanggang sa ikaw ay mabuwal at mapuksa dahil sa kasamaan ng iyong mga gawa, sapagkat pinabayaan mo ako. Ikakapit sa iyo ng PANGINOON ang salot hanggang sa maubos ka sa lupa na iyong pupuntahan upang angkinin. Sasalutin ka ng PANGINOON ng pagkaubos, lagnat, pamamaga, nag-aapoy na init, pagkatuyo, ng salot ng hangin, at ng amag; at kanilang hahabulin ka hanggang sa ikaw ay malipol. Ang mga langit na nasa itaas ng iyong ulo ay magiging tanso, at ang lupa na nasa ilalim mo ay magiging bakal. Ang ipauulan ng PANGINOON sa iyong lupa ay abo at alabok; mula sa langit ay bababa ito sa iyo hanggang sa ikaw ay mawasak. "Ipatatalo ka ng PANGINOON sa harapan ng iyong mga kaaway. Ikaw ay lalabas sa isang landas laban sa kanila at tatakas sa pitong landas sa harapan nila, at ikaw ay magiging katatakutan sa lahat ng mga kaharian sa lupa. Ang iyong bangkay ay magiging pagkain sa lahat ng mga ibon sa himpapawid, at sa mga hayop sa lupa at walang taong bubugaw sa kanila. Sasalutin ka ng PANGINOON ng bukol sa Ehipto, ng mga ulser, ng pangangati, at ng galis na hindi mapapagaling. Sasaktan ka ng PANGINOON ng pagkabaliw, ng pagkabulag, at ng pagkalito ng isipan; at ikaw ay mangangapa sa katanghaliang-tapat na gaya ng bulag na nag-aapuhap sa kadiliman at hindi ka giginhawa sa iyong mga lakad. Ikaw ay laging aapihin at pagnanakawan, at walang taong tutulong sa iyo. Ikaw ay mag-aasawa at ibang lalaki ang sisiping sa kanya; ikaw ay magtatayo ng isang bahay at hindi mo tatahanan. Ikaw ay magtatanim ng ubasan at hindi mo mapapakinabangan ang bunga niyon. Ang iyong baka ay papatayin sa iyong paningin, at hindi mo makakain iyon; ang iyong asno ay aagawin sa harapan ng iyong mukha at hindi na maibabalik sa iyo. Ang iyong tupa ay ibibigay sa iyong mga kaaway at walang tutulong sa iyo. Ang iyong mga anak na lalaki at babae ay ibibigay sa ibang bayan; at ang iyong paningin ay titingin at mapapagod nang paghihintay sa kanila sa buong araw; at ikaw ay walang magagawa. Ang bunga ng iyong lupa at lahat ng iyong gawa ay kakainin ng bansang di mo kilala; at ikaw ay laging aapihin at gigipitin; kaya't ikaw ay masisiraan ng isip dahil sa tanawin na makikita ng iyong mga mata. Sasaktan ka ng PANGINOON sa mga tuhod at sa mga hita ng isang masamang bukol na hindi mo mapapagaling, mula sa talampakan ng iyong paa hanggang sa bao ng iyong ulo. "Dadalhin ka ng PANGINOON at ang haring ilalagay mo upang manguna sa iyo sa isang bansang hindi mo nakilala, maging ng iyong mga ninuno at doo'y maglilingkod ka sa ibang mga diyos na yari sa kahoy at bato. Ikaw ay magiging katatakutan, isang kawikaan at isang bukambibig sa lahat ng bayang pagdadalhan sa iyo ng PANGINOON. Magdadala ka ng maraming binhi sa bukid, ngunit kakaunti ang iyong titipunin; sapagkat uubusin ng balang. Ikaw ay magtatanim ng ubasan at iyong aalagaan, ngunit hindi ka iinom ng alak, ni mamimitas; sapagkat kakainin iyon ng uod. Magkakaroon ka ng mga puno ng olibo sa lahat ng iyong mga nasasakupan ngunit hindi ka magpapahid ng langis; sapagkat ang iyong olibo ay malalagas. Ikaw ay magkakaanak ng mga lalaki at mga babae, ngunit sila'y hindi magiging iyo; sapagkat sila'y pupunta sa pagkabihag. Lahat ng iyong punungkahoy at bunga ng iyong lupa ay aangkinin ng balang. Ang dayuhan na nakatira sa gitna mo ay tataas nang higit sa iyo habang ikaw ay bababa nang pababa. Siya'y magpapahiram sa iyo, at ikaw ay hindi magpapahiram sa kanya. Siya'y magiging ulo at ikaw ay magiging buntot. Lahat ng mga sumpang ito ay darating sa iyo at hahabulin ka at aabutan ka, hanggang ikaw ay mawasak, sapagkat hindi mo pinakinggan ang tinig ng PANGINOON mong Diyos, at hindi mo tinupad ang kanyang mga utos at ang kanyang mga tuntunin na kanyang iniutos sa iyo. Ang mga iyon ay magiging isang tanda at isang kababalaghan sa iyo, at sa iyong lahi magpakailanman. "Sapagkat hindi ka naglingkod na may kagalakan at may kasayahan ng puso sa PANGINOON mong Diyos, dahil sa kasaganaan ng lahat ng mga bagay. Kaya't maglilingkod ka sa iyong mga kaaway na susuguin ng PANGINOON laban sa iyo, sa gutom, uhaw, kahubaran, at kakulangan sa lahat ng mga bagay. Lalagyan ka niya ng isang pamatok na bakal sa iyong leeg hanggang sa maibuwal ka niya. Magdadala ang PANGINOON ng isang bansang laban sa iyo mula sa malayo mula sa katapusan ng lupa, na gaya ng paglipad ng agila; isang bansang ang wika'y hindi mo nauunawaan; bansang may mabangis na mukha na hindi igagalang ang pagkatao ng matanda, ni mahahabag sa bata. Kanyang kakainin ang anak ng iyong hayop at ang bunga ng iyong lupa, hanggang sa ikaw ay mawasak. Wala ring ititira sa iyong trigo, alak, o langis, ng karagdagan ng iyong bakahan, o ng anak ng iyong kawan, hanggang sa ikaw ay mapuksa niya. Kanyang kukubkubin ka sa lahat ng iyong bayan, hanggang sa ang mataas at may pader na kuta na iyong pinagtitiwalaan ay bumagsak sa iyong buong lupain. Kanyang kukubkubin ka sa lahat ng iyong mga bayan sa buong lupaing ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos. At kakain ka ng bunga ng iyong sariling katawan, ng laman ng iyong mga anak na lalaki at babae na ibinigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos, sa pagkakubkob at sa paghihirap na ipaparanas sa iyo ng iyong mga kaaway. Maging ang lalaking pinakamabait at mahabagin sa inyo ay magkakait ng pagkain sa kanyang kapatid, sa kanyang asawa na kanyang niyayakap at sa huli sa nalalabi sa kanyang mga anak; kaya't hindi niya ibibigay sa alinman sa kanila ang laman ng kanyang mga anak na kanyang kakainin, sapagkat walang natira sa kanya sa pagkubkob at sa paghihirap na ipinaranas sa iyo ng iyong mga kaaway sa lahat ng iyong mga bayan. Ang pinakamahinhin at pinakamaselang babae sa gitna mo, na hindi pa mangangahas na ituntong ang talampakan ng kanyang paa sa lupa dahil sa kahinhinan at pagiging maselan ay magiging masama ang kanyang mata sa kanyang asawa at sa kanyang anak na lalaki at babae; at sa kanyang isinilang na lumabas sa pagitan ng kanyang mga hita at sa kanyang mga anak na kanyang panganganak; sapagkat lihim niyang kakainin sila dahil sa kakulangan ng lahat ng mga bagay, sa pagkubkob at sa kahirapang ipinaranas sa iyo ng iyong mga kaaway sa iyong mga bayan. "Kung hindi mo gagawin ang lahat ng mga salita ng kautusang ito na nasusulat sa aklat na ito, upang ikaw ay matakot dito sa maluwalhati at kakilakilabot na pangalang, ang 'PANGINOON mong Diyos,' kung magkagayo'y ipapadala ng PANGINOON sa inyo at sa inyong mga anak ang di pangkaraniwang kahirapan, matindi at walang katapusan, at malubhang karamdaman na tumatagal. Muli niyang ipapadala sa iyo ang lahat ng mga sakit sa Ehipto, na iyong kinatakutan at kakapit sa iyo. Bawat sakit, at bawat salot na hindi nakasulat sa aklat ng kautusang ito'y ipararating nga sa iyo ng PANGINOON, hanggang sa ikaw ay mapuksa. Kayo'y maiiwang iilan sa bilang samantalang noon kayo'y naging gaya ng mga bituin sa langit sa karamihan; sapagkat hindi ninyo pinakinggan ang tinig ng PANGINOON mong Diyos. Kung paanong ang PANGINOON ay natutuwa na gawan kayo ng mabuti at paramihin kayo, ay gayon magagalak ang PANGINOON sa inyo na kayo'y lipulin at puksain. Kayo'y palalayasin sa lupain na inyong pinapasok upang angkinin. Pangangalatin kayo ng PANGINOON sa lahat ng mga bayan, mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa; at doo'y maglilingkod kayo sa ibang mga diyos na yari sa kahoy at bato na hindi ninyo kilala, ni ng inyong mga ninuno. Sa gitna ng mga bansang ito ay hindi ka makakasumpong ng ginhawa, at mawawalan ng kapahingahan ang talampakan ng iyong paa, kundi bibigyan ka doon ng PANGINOON ng isang nanginginig na puso, lumalabong paningin, at nanghihinang kaluluwa. Ang iyong buhay ay mabibitin sa pag-aalinlangan sa harapan mo; at ikaw ay matatakot gabi't araw, at mawawalan ng katiyakan ang iyong buhay. Sa kinaumagahan ay iyong sasabihin, 'Sana'y gumabi na!' at sa kinagabihan ay iyong sasabihin, 'Sana'y mag-umaga na!' — dahil sa takot ng iyong puso na iyong ikatatakot, at dahil sa tanawing makikita ng iyong paningin. Pababalikin ka ng PANGINOON sa Ehipto sa pamamagitan ng mga barko, na sa daan ay aking sinabi sa iyo, 'Hindi mo na muling gagawin;' at doo'y ipagbibili ninyo ang inyong mga sarili sa mga kaaway bilang aliping lalaki at babae, at hindi kayo bibilhin ng sinuman." Ito ang mga salita ng tipan iniutos ng PANGINOON kay Moises na gawin sa mga anak ni Israel sa lupain ng Moab, bukod sa tipang kanyang ginawa sa kanila sa Horeb. Tinawag ni Moises ang buong Israel at sinabi sa kanila, "Inyong nakita ang lahat na ginawa ng PANGINOON sa harapan ng inyong paningin sa lupain ng Ehipto, kay Faraon at sa lahat ng kanyang lingkod at kanyang buong lupain; ang malaking pagsubok na nakita ng inyong mga mata, ang mga tanda, at ang mga dakilang kababalaghan. Ngunit hindi kayo binigyan ng PANGINOON ng isipang makakaunawa, at ng mga matang makakakita, at ng mga pandinig na makakarinig, hanggang sa araw na ito. Pinatnubayan ko kayo ng apatnapung taon sa ilang; ang iyong mga damit ay hindi naluma, at ang inyong sandalyas ay hindi nasira sa inyong paa. Hindi kayo kumain ng tinapay, ni uminom ng alak o inuming nakalalasing, upang inyong malaman na ako ang PANGINOON ninyong Diyos. At nang kayo'y dumating sa dakong ito, si Sihon na hari ng Hesbon at si Og na hari ng Basan ay lumabas laban sa atin sa pakikidigma at ating tinalo sila. Ating sinakop ang kanilang lupain at ibinigay natin bilang pamana sa mga Rubenita, Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases. Kaya't ingatan ninyo ang mga salita ng tipang ito at inyong gawin upang kayo'y magtagumpay sa lahat ng inyong ginagawa. "Kayong lahat ay nakatayo sa araw na ito sa harapan ng PANGINOON ninyong Diyos; ang inyong mga puno, ang inyong mga lipi, ang inyong matatanda, at ang inyong mga pinuno, lahat ng mga lalaki sa Israel, ang inyong mga bata, ang inyong mga asawa at ang dayuhan na nasa gitna ng inyong mga kampo mula sa inyong mangangahoy hanggang sa tagasalok ng inyong tubig; upang ikaw ay makipagtipan sa PANGINOON mong Diyos, at sa kanyang pangako na ginagawa sa iyo ng PANGINOON mong Diyos sa araw na ito; upang kanyang itatag ka sa araw na ito bilang isang bayan, at upang siya'y maging iyong Diyos, na gaya ng kanyang ipinangako sa iyo at sa iyong mga ninuno, kina Abraham, Isaac, at Jacob. Hindi lamang sa inyo ko ginagawa ang tipang ito at ang pangakong ito; kundi doon sa nakatayo ritong kasama natin sa araw na ito sa harapan ng PANGINOON nating Diyos, at gayundin sa hindi natin kasama sa araw na ito; "(Sapagkat nalalaman ninyo kung paanong nanirahan tayo sa lupain ng Ehipto; at kung paanong tayo'y pumasok sa gitna ng mga bansang inyong dinaanan; at inyong nakita ang kanilang mga karumaldumal na bagay, at ang kanilang mga diyus-diyosan na yari sa kahoy, bato, pilak at ginto na nasa gitna nila.) Baka magkaroon sa gitna ninyo ng lalaki, o babae, o angkan, o lipi na ang puso'y humiwalay sa araw na ito sa ating Panginoong DIYOS, upang maglingkod sa mga diyos ng mga bansang iyon; baka magkaroon sa gitna ninyo ng isang ugat na nakalalason at ng mapait na bunga; na kapag kanyang narinig ang mga salita ng sumpang ito ay kanyang basbasan ang kanyang sarili sa kanyang puso, na sasabihin, 'Ako'y magkakaroon ng kapayapaan, bagaman ako'y lumalakad sa pagmamatigas ng aking puso.' Makapagpapaalis ito ng basabasa at pagkatuyo. Hindi siya patatawarin ng PANGINOON, kundi ang galit at paninibugho ng PANGINOON ay mag-uusok laban sa taong iyon, at ang lahat ng sumpa na nasusulat sa aklat na ito ay mapapasa kanya at papawiin ng PANGINOON ang kanyang pangalan sa ilalim ng langit. Ihihiwalay siya ng PANGINOON sa lahat ng mga lipi sa Israel para sa sakuna, ayon sa lahat ng mga sumpa ng tipan na nasusulat sa aklat na ito ngkautusan. Ang mga lahing darating, ang inyong mga anak na babangon pagkamatay ninyo, at ang dayuhan na magmumula sa malayong lupain ay magsasabi, kapag nakita nila ang mga salot ng lupaing iyon, at ang sakit na inilagay ng PANGINOON, at ang buong lupaing iyon ay sunog na asupre, at asin, na hindi nahahasikan, hindi nagbubunga, ni walang tumutubong damo, na gaya ng nangyari sa pagkawasak ng Sodoma at Gomorra, Adma at Zeboyin na winasak ng PANGINOON sa kanyang matdnding galit. Kaya't lahat ng mga bansa ay magsasabi, 'Bakit ginawa ito ng PANGINOON sa lupaing ito? Ano ang dahilan ng pagpapakita ng ganitong matinding galit?' Kaya't sasabihin ng mga tao, 'Sapagkat kanilang tinalikuran ang tipan ng PANGINOON, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, na kanyang ginawa sa kanila nang kanyang ilabas sila sa lupain ng Ehipto; at sila'y humayo at naglingkod sa ibang mga diyos, at sinamba nila ang mga diyos na hindi nila nakilala na hindi niya ibinigay sa kanila. Kaya't ang galit ng PANGINOON ay nag-init laban sa lupaing ito, at dinala sa kanya ang lahat ng sumpa na nasusulat sa aklat na ito. Sila'y binunot ng PANGINOON sa kanilang lupain dahil sa galit, sa poot, at sa malaking pagngingitngit, at sila'y itinaboy sa ibang lupain, gaya sa araw na ito.' "Ang mga bagay na lihim ay para sa PANGINOON nating Diyos, ngunit ang mga bagay na hayag ay para sa atin at sa ating mga anak magpakailanman, upang ating magawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito. "Kapag ang lahat ng mga O vf bagay na ito ay dumating sa iyo, ang pagpapala at ang sumpa na inilagay ko sa harapan mo, at iyong bulay-bulayin ang mga iyon sa gitna ng lahat ng mga bansa na pinagtabuyan sa iyo ng PANGINOON mong Diyos at magbalik ka sa PANGINOON mong Diyos at sundin mo at ng iyong mga anak nang buong puso at kaluluwa ang kanyang tinig ayon sa lahat na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito, babawiin ng PANGINOON mong Diyos ang iyong pagkabihag at mahahabag sa iyo. Ibabalik at titipunin ka sa lahat ng mga bayang pinagkalatan sa iyo ng PANGINOON mong Diyos. Kung ang pagkakabihag sa iyo ay nasa kadulu-duluhang bahagi ng langit, mula roo'y titipunin at kukunin ka ng PANGINOON mong Diyos. Dadalhin ka ng PANGINOON mong Diyos sa lupaing inangkin ng iyong mga ninuno, at iyong aangkinin, at gagawan ka niya ng mabuti at pararamihin ka niya nang higit kaysa iyong mga ninuno. Tutuliin ng PANGINOON mong Diyos ang iyong puso at ang puso ng iyong binhi, upang ibigin mo ang PANGINOON mong Diyos ng buong puso at kaluluwa mo, upang ikaw ay mabuhay. Lahat ng mga sumpang ito ng PANGINOON mong Diyos ay darating sa mga kaaway at sa kanila na napopoot at umusig sa iyo. Kung magkagayon ikaw ay babalik at susunod sa tinig ng PANGINOON at iyong gagawin ang lahat ng kanyang mga utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito. Pasasaganain ka ng PANGINOON mong Diyos sa lahat ng gawa ng iyong kamay, sa bunga ng iyong katawan, sa anak ng iyong bakahan, at sa bunga ng iyong lupa. Sapagkat muling magagalak ang PANGINOON sa pagpapasagana sa iyo, gaya ng kanyang ikinagalak sa iyong mga ntnuno, kung iyong susundin ang tinig ng PANGINOON mong Diyos at tutuparin mo ang kanyang mga utos at ang. kanyang mga tuntuning nasusulat sa aklat na ito ng kautusan; kung ikaw ay manunumbalik sa PANGINOON mong Diyos nang iyong buong puso, at kaluluwa. "Sapagkat ang utos na ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito ay hindi napakabigat para sa iyo, ni malayo. Wala ito sa langit, upang huwag mong sabihin, 'Sinong aakyat sa langit para sa atin, at magdadala niyon sa atin, at magpaparinig sa atin, upang ating marinig at magawa?' Ni wala sakabila ng dagat upang huwag mong sabihin, 'Sino ang daraan sa dagat para sa atin, at magdadala niyon sa atin, at magpaparinig sa atin, upang ating marinig at magawa?' Kundi ang salita ay napakalapit sa iyo, ito ay nasa iyong bibig, at nasa iyong puso, kaya't ito ay iyong magagawa. "Tingnan mo, inilagay ko sa harapan mo sa araw na ito ang buhay at kabutihan, kamatayan at kasamaan; at iniuutos ko sa iyo sa araw na ito na ibigin mo ang PANGINOON mong Diyos, lumakad ka sa kanyang mga daan. Tuparin mo ang kanyang mga utos, ang kanyang mga tuntunin, at mga batas upang ikaw ay mabuhay at dumami, at pagpalain ka ng PANGINOON mong Diyos sa lupain na iyong pinapasok upang angkinin. Ngunit kung ang iyong puso ay tumalikod at hindi mo diringgin, kundi maliligaw at sasamba ka sa ibang mga diyos, at maglilingkod ka sa kanila; ipinahahayag ko sa inyo sa araw na ito na kayo'y tiyak na mapupuksa. Hindi kayo mabubuhay nang matagal sa ibabaw ng lupaing tatawirin ninyo sa kabila ng Jordan, upang pasukin at angkinin. Tinatawagan ko ang langit at ang lupa bilang saksi laban sa inyo sa araw na ito, na aking inilagay sa harapan mo ang buhay at kamatayan, ang pagpapala at sumpa. Kaya't piliin mo at ng iyong binhi ang buhay upang ikaw ay mabuhay. Ibigin mo ang PANGINOON mong Diyos, sundin ang kanyang tinig, at manatili ka sa kanya; sapagkat ang kahulugan niyon sa iyo ay buhay, at haba ng iyong mga araw, upang matirahan mo ang lupaing ipinangako ng PANGINOON na ibibigay sa iyong mga ninuno, kina Abraham, Isaac, at Jacob." Si Moises ay nagpatuloy sa pagsasalita ng mga salitang ito sa buong Israel. Kanyang sinabi sa kanila, "Ako'y isandaan at dalawampung taon na sa araw na ito; hindi na ako makalalabas-pasok, at sinabi ng PANGINOON sa akin, 'Huwag kang tatawid sa Jordang ito.' Mauuna ang PANGINOON mong Diyos at kanyang pupuksain ang mga bansang ito sa harapan mo at ito ay iyong aangkinin. Si Josue ay mauuna sa iyo gaya ng sinabi ng PANGINOON. Gagawin sa kanila ng PANGINOON ang gaya ng ginawa niya kina Sihon at Og, na mga hari ng mga Amoreo, at sa kanilang lupain na kanyang winasak. Ibibigay sila ng PANGINOON sa harapan mo, at iyong gagawin sa kanila ang ayon sa lahat ng utos na aking iniutos sa iyo. Kayo'y magpakalakas at magpakatapang, huwag kayong matakot ni masindak sa kanila sapagkat ang PANGINOON mong Diyos ay humahayong kasama mo; hindi ka niya iiwan ni pababayaan." At tinawag ni Moises si Josue at sinabi sa kanya sa paningin ng buong Israel, "Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang; sapagkat ikaw ay maglalakbay na kasama ng bayang ito patungo sa lupaing ipinangakong ibibigay at ipapamana ng PANGINOON sa kanilang mga ninuno; Ang PANGINOON ang siyang mangunguna sa iyo. Siya'y sasaiyo, hindi ka niya iiwan, ni pababayaan; huwag kang matatakot ni manlulupaypay." Isinulat ni Moises ang kautusang ito at ibinigay sa mga pari na mga anak ni Levi, na nagdadala ng kaban ng tipan ng PANGINOON, at sa lahat ng matatanda sa Israel. Iniutos sa kanila ni Moises, "Sa katapusan ng bawat pitong taon, sa takdang panahon ng taon ng pagpapalaya, sa Pista ng mga Tolda, kapag ang buong Israel ay haharap sa PANGINOON mong Diyos sa lugar na kanyang pipiliin ay iyong babasahin ang kautusang ito sa harapan ng buong Israel sa kanilang pandinig. Tipunin mo ang mamamayan, ang mga lalaki, mga babae, mga bata, mga dayuhan na nasa loob ng iyong mga bayan upang kanilang marinig at upang sila'y matutong matakot sa PANGINOON mong Diyos, at isagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito; at upang ang kanilang mga anak na hindi nakakaalam nito ay makarinig at matutong matakot sa PANGINOON ninyong Diyos, habang kayo'y nabubuhay sa lupain na inyong paroroorran na inyong tatawirin sa Jordan upang angkinin." Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Malapit na ang mga araw na ikaw ay mamamatay. Tawagin mo si Josue, at humarap kayo sa toldang tipanan upang siya'y aking mapagbilinan." Sina Moises at Josue ay humayo at humarap sa toldang tipanan. Ang PANGINOON ay nagpakita sa Tolda sa isang haliging ulap; ang haliging ulap ay tumayo sa pintuan ng tabernakulo. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, "Ikaw ay malapit ng mamatay na kasama ng iyong mga ninuno. Ang bayang ito'y babangon at makikiapid sa mga di kilalang diyos sa lupain na kanilang paroroonan upang makasama nila, at ako'y tatalikuran nila at sisirain ang aking tipan na aking ginawa sa kanila. Kung magkagayo'y ang aking galit ay mag-aalab laban sa kanila sa araw na iyon. Pababayaan ko sila, at ikukubli ko ang aking mukha sa kanila, at sila'y sasakmalin, at maraming kasamaan at kabagabagan ang darating sa kanila. At kanilang sasabihin sa araw na iyon, 'Hindi ba ang mga kasamaang ito ay dumating sa atin dahil sa ang ating Diyos ay wala sa gitna natin?' Tiyak na ikukubli ko ang aking mukha sa araw na iyon dahil sa lahat ng kasamaang kanilang ginawa, sapagkat sila'y bumaling sa ibang mga diyos. Ngayon nga'y isulat ninyo para sa inyo ang awit na ito, at ituro sa mga anak ni Israel; ilagay mo sa kanilang mga bibig upang ang awit na ito'y maging saksi sa akin laban sa mga anak ni Israel. Sapagkat kapag sila'y naipasok ko na sa lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot na ipinangako sa kanilang mga ninuno at sila'y nakakain, nabusog at tumaba, ay babaling at paglilingkuran nila ang ibang mga diyos, at ako'y hahamakin nila, at sisirain ang aking tipan. At kapag ang maraming kasamaan at kaguluhan ay dumating sa kanila, magpapatotoo ang awit na ito sa harapan nila bilang saksi; sapagkat hindi ito malilimutan sa mga bibig ng kanilang binhi. Sapagkat nalalaman ko ang kanilang iniisip, na kanilang binabalak gawin, bago ko sila dinala sa lupaing ipinangako kong ibibigay." Kaya't isinulat ni Moises ang awit na ito nang araw ding iyon at itinuro sa mga anak ni Israel. Kanyang pinagbilinan si Josue na anak ni Nun at sinabi, "Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang; sapagkat iyong ipapasok ang mga anak ni Israel sa lupaing ipinangakong ibibigay ko sa kanila; at ako'y magiging kasama mo." Pagkatapos maisulat ni Moises ang mga salita ng kautusang ito sa isang aklat hanggang sa katapusan, nag-utos si Moises sa mga Levita na may dala ng kaban ng tipan ng PANGINOON, "Kunin ninyo itong aklat ng kautusan at ilagay ninyo sa tabi ng kaban ng tipan ng PANGINOON ninyong Diyos, upang doo'y maging saksi laban sa iyo. Sapagkat nalalaman ko ang inyong paghihimagsik, at ang katigasan ng inyong ulo. Habang nabubuhay pa akong kasama ninyo sa araw na ito, kayo'y naging mapaghimagsik na laban sa PANGINOON at gaano pa kaya pagkamatay ko? Tipunin mo ang matatanda sa iyong mga lipi at ang inyong mga pinuno upang masabi ko ang mga salitang ito sa kanilang pandinig, at tawagin ang langit at ang lupa upang sumaksi laban sa kanila. Sapagkat alam ko na pagkamatay ko, kayo'y magiging masama at maliligaw sa daang itinuro sa inyo at ang kasamaan ay sasapit sa inyo sa mga huling araw. Sapagkat inyong gagawin ang masama sa paningin ng PANGINOON, upang siya'y galitin ninyo sa pamamagitan ng mga gawa ng inyong mga kamay." Binigkas ni Moises ang mga salita ng awit na ito hanggang sa natapos, sa pandinig ng buong kapulungan ng Israel: "Makinig kayo, mga langit, at ako'y magsasalita, at pakinggan ng lupa ang mga salita ng aking bibig. Ang aking aral ay papatak na parang ulan; ang aking salita ay bababa na parang hamog; gaya ng ambon sa malambot na damo, at gaya ng mahinang ambon sa pananim. Sapagkat aking ihahayag ang pangalan ng PANGINOON; dakilain ninyo ang ating Diyos! "Siya ang Bato, ang kanyang gawa ay sakdal; sapagkat lahat ng kanyang daan ay katarungan. Isang Diyos na tapat at walang kasamaan, siya ay matuwid at banal. Sila'y nagpakasama, sila'y hindi kanyang mga anak, dahilan sa kanilang kapintasan; isang lahing liko at tampalasan. Ganyan ba ninyo gagantihan ang PANGINOON, O hangal at di-matalinong bayan? Hindi ba siya ang iyong ama na lumalang sa iyo? Kanyang nilalang ka, at itinatag ka. Alalahanin mo ang mga naunang araw, isipin mo ang mga taon ng maraming salinlahi; itanohg mo sa iyong ama at kanyang ibabalita sa iyo; sa iyong matatanda, at kanilang sasabihin sa iyo. Nang ibigay ng Kataas-taasan sa mga bansa ang kanilang pamana, nang kanyang ihiwalay ang mga anak ng tao, kanyang inilagay ang mga hangganan ng mga bayan, ayon sa bilang ng mga anak ni Israel. Sapagkat ang bahagi ng PANGINOON ay ang kanyang bayan; si Jacob ang bahaging pamana niya. "Kanyang natagpuan siya sa isang ilang na lupain, at sa kapanglawan ng isang umuungal na ilang; kanyang pinaligiran siya, kanyang nilingap siya, kanyang iningatan siyang parang sarili niyang mga mata. Gaya ng agila na ginagalaw ang kanyang pugad, na pumapagaspas sa kanyang mga inakay. kanyang ibinubuka ang kanyang mga pakpak, na kinukuha sila, kanyang dinadala sa ibabaw ng kanyang mga pakpak: tanging ang PANGINOON ang pumapatnubay sa kanya, at walang ibang diyos na kasama siya. Kanyang pinasakay siya sa matataas na dako ng lupa, at siya'y kumain ng bunga ng bukirin, at kanyang pinainom ng pulot na mula sa bato, at ng langis na mula sa batong kiskisan. Ng mantika mula sa baka, at gatas mula sa tupa, na may taba ng mga kordero, at ng mga tupang lalaki sa Basan, at mga kambing, ng pinakamabuti sa mga trigo; at sa katas ng ubas ay uminom ka ng alak. "Ngunit tumaba si Jeshurun at nanipa; ikaw ay tumataba, ikaw ay lumalapad, ikaw ay naging makinis. Nang magkagayo'y tinalikuran niya ang Diyos na lumalang sa kanya, at hinamak ang Bato ng kanyang kaligtasan. Siya'y kinilos nila sa paninibugho sa ibang mga diyos, sa pamamagitan ng mga karumaldumal, kanilang ibinunsod siya sa pagkagalit. Sila'y naghandog sa mga demonyo na hindi Diyos, sa mga diyos na hindi nila nakilala, sa mga bagong diyos na kalilitaw pa lamang, na hindi kinatakutan ng inyong mga ninuno. Hindi mo pinansin ang Batong nanganak sa iyo, at kinalimutan mo ang Diyos na lumalang sa iyo. "At nakita ito ng PANGINOON, at kinapootan sila, dahil sa panggagalit ng kanyang mga anak na lalaki at babae. At kanyang sinabi, 'Aking ikukubli ang aking mukha sa kanila, aking titingnan kung ano ang kanilang magiging wakas; sapagkat sila'y isang napakasamang lahi, mga anak na walang katapatan. Kinilos nila ako sa paninibugho doon sa hindi diyos; ginalit nila ako sa kanilang mga diyus-diyosan. Kaya't paninibughuin ko sila sa mga hindi bayan; aking gagalitin sila sa pamamagitan ng isang hangal na bansa. Sapagkat may apoy na nag-aalab sa aking galit, at nagniningas hanggang sa Sheol, at lalamunin ang lupa patd ang tubo nito, at pag-aapuyin ang saligan ng mga bundok. " 'Aking dadaganan sila ng mga kasamaan; aking uubusin ang aking pana sa kanila. Sila'y mapupugnaw sa gutom, at lalamunin ng maningas na init, at ng nakalalasong salot; at ang mga ngipin ng mga hayop ay isusugo ko sa kanila, pati ng kamandag ng gumagapang sa alabok. Sa labas ay namimighati ang tabak. at sa mga silid ay malaking takot; kapwa mawawasak ang binata at dalaga, ang sanggol pati ng lalaking may uban. Aking sinabi, "Ikakalat ko sila sa malayo, aking aalisin ang alaala nila sa mga tao," kung hindi ko kinatatakutan ang panghahamon ng kaaway; baka ang kanilang mga kalaban ay humatol ng mali, baka kanilang sabihin, "Ang aming kamay ay matagumpay, at hindi ginawa ng PANGINOON ang lahat ng ito."' "Sapagkat sila'y bansang salat sa payo, at walang kaalaman sa kanila. O kung sila'y mga pantas, kanilang mauunawaan ito, at malalaman nila ang kanilang wakas! Paano hahabulin ng isa ang isanlibo, at patatakbuhin ng dalawa ang sampung libo, malibang ipinagbili sila ng kanilang Bato, at ibinigay na sila ng PANGINOON? Sapagkat ang kanilang bato ay hindi gaya ng ating Bato, kahit ang ating mga kaaway man ang maging mga hukom. Sapagkat ang kanilang puno ng ubas ay mula sa ubasan sa Sodoma, at mula sa mga parang ng Gomorra. Ang kanilang ubas ay ubas ng apdo, ang kanilang mga buwig ay mapait, ang kanilang alak ay kamandag ng mga dragon, at mabagsik na kamandag ng mga ahas. "Hindi ba ito'y nakalaan sa akin, na natatatakan sa aking mga kabang-yaman? Ang paghihiganti ay akin, at ang gantimpala, sa panahon na madudulas ang kanilang mga paa; sapagkat ang araw ng kanilang kapahamakan ay malapit na, at ang mga bagay na darating sa kanila ay nagmamadali. Sapagkat hahatulan ng PANGINOON ang kanyang bayan, at mahahabag sa kanyang mga lingkod. Kapag nakita niyang ang kanilang kapangyarihan ay wala na, at wala ng nalalabi, bihag man o malaya. At kanyang sasabihin, 'Saan naroon ang kanilang mga diyos, ang bato na kanilang pinagkanlungan? Sino ang kumain ng taba ng kanilang mga handog, at uminom ng alak ng kanilang handog na inumin? Pabangunin sila at tulungan ka, at sila'y maging inyong pag-iingat! " Tingnan ninyo ngayon, ako, samakatuwid ay Ako nga, at walang diyos liban sa akin; ako'y pumapatay at ako'y bumubuhay; ako'y sumusugat at ako'y nagpapagaling; at walang makakaligtas sa aking kamay. Sapagkat aking itinataas ang aking kamay sa langit, at sumusumpa, Buhay ako magpakailanman. Kung ihahasa ko ang aking makintab na tabak, at ang aking kamay ay humawak sa hatol, ako'y maghihiganti sa aking mga kaaway, at aking gagantihan ang mga napopoot sa akin. At aking lalasingin ng dugo ang aking palaso, at ang aking tabak ay sasakmal ng laman; ng dugo ng patay at ng mga bihag, mula sa ulong may mahabang buhok ng mga pinuno ng kaaway.' "Magalak kayo, O mga bansa, kasama ng kanyang bayan; sapagkat ipaghihiganti niya ang dugo ng kanyang mga lingkod, at maghihiganti sa kanyang mga kalaban, at patatawarin ang kanyang lupain, ang kanyang bayan." At si Moises ay pumaroon at sinabi ang lahat ng mga salita ng awit na ito sa pandinig ng bayan, siya at si Josues na anak ni Nun. Pagkatapos sabihin ni Moises ang lahat ng mga salitang ito sa buong Israel, ay kanyang sinabi sa kanila, "Ilagay ninyo sa puso ang lahat ng mga salita na aking pinapatotohanan sa inyo sa araw na ito, na inyong iuutos sa inyong mga anak upang gawin ang lahat ng mga salita ng kautusang ito. Sapagkat ito'y hindi hamak na bagay sa inyo; sapagkat ito'y inyong buhay, at sa pamamagitan ng bagay na ito ay inyong pahahabain ang inyong mga araw sa lupain na inyong itinawid sa Jordan upang angkinin." Ang PANGINOQN ay nagsalita kay Moises nang araw ding iyon, "Umakyat ka sa bundok na ito ng Abarim, sa bundok ng Nebo na nasa lupain ng Moab, na nasa tapat ng Jerico. Tanawin mo ang lupain ng Canaan, na aking ibinibigay sa mga anak ni Israel bilang pag-aari. Mamamatay ka sa bundok na iyong inakyat at isasama ka sa iyong angkan, gaya ni Aaron na iyong kapatid na namatay sa bundok ng Hor at isinama sa kanyang angkan. Sapagkat kayo'y sumuway sa akin sa gitna ng mga anak ni Israel sa tubig ng Meriba ng Kadesh, sa ilang ng Zin; sapagkat hindi ninyo ako itinuring na banal sa gitna ng mga anak ni Israel. Gayunma'y makikita mo ang lupain sa harapan mo, ngunit hindi ka makakapasok sa lupain na aking ibinibigay sa mga anak ni Israel." Ito ang basbas na iginawad ni Moises, ang tao ng Diyos, sa mga anak ni Israel bago siya namatay. At kanyang sinabi, "Ang Panginoo'y nanggaling sa Sinai, at lumitaw sa Seir patungo sa kanila; siya'y lumiwanag mula sa bundok ng Paran, at siya'y may kasamang laksa-laksang mga banal: sa kanyang kanang kamay ay ang kanyang sariling hukbo. Oo, iniibig niya ang bayan: lahat ng kanyang mga banal ay nasa iyong kamay; sila'y sumunod sa iyong mga yapak, na tumatanggap ng tagubilin mula sa iyo. Si Moises ay nag-atas sa atin ng isang kautusan, isang pamana para sa kapulungan ni Jacob. Nagkaroon ng hari sa Jeshurun, nang magkatipon ang mga pinuno ng bayan, pati ang lahat ng mga lipi ni Israel. "Mabuhay nawa ang Ruben, at huwag mamatay; kahit kaunti man ang kanyang mga tao." At ito ang sinabi niya tungkol sa Juda: "Dinggin mo, PANGINOON, ang tinig ng Juda, at dalhin mo siya sa kanyang bayan: sa pamamagitan ng iyong mga kamay ay ipaglaban siya, at maging katulong laban sa kanyang mga kaaway." At tungkol kay Levi ay kanyang sinabi, "Ang iyong Tumim at ang iyong Urim ay para sa inyong mga banal, na iyong sinubok sa Massah, nakipagtunggali ka sa kanya sa mga tubig ng Meriba; na siyang nagsabi tungkol sa kanyang ama at ina, 'Hindi ko siya nakita'; ni hindi niya kinilala ang kanyang mga kapatid, ni kinilala niya ang kanyang sariling mga anak. Sapagkat kanilang sinunod ang iyong salita, at ginaganap ang iyong tipan. Ituturo nila ang iyong batas kay Jacob, at ang iyong mga kautusan sa Israel; sila'y maglalagay ng insenso sa harapan mo, at ng buong handog na sinusunog sa ibabaw ng iyong dambana. Basbasan mo, PANGINOON, ang kanyang kalakasan, at tanggapin mo ang gawa ng kanyang mga kamay; baliin mo ang mga balakang ng mga naghihimagsik laban sa kanya, at ang mga napopoot sa kanya, upang sila'y huwag nang muling bumangon." Tungkol kay Benjamin ay kanyang sinabi, "Ang minamahal ng PANGINOON ay maninirahang ligtas sa siping niya; na kinakanlungan siya buong araw, oo, siya'y maninirahan sa pagitan ng kanyang mga balikat." At tungkol kay Jose ay kanyang sinabi, "Pagpalain nawa ng PANGINOON ang kanyang lupain, sa pinakamabuti mula sa langit, sa hamog, at sa kalaliman na nasa ilalim, at sa pinakamabuti sa mga bunga ng araw, at sa mga pinakamabuting bunga ng mga buwan, at sa pinakamagandang bunga ng matandang bundok, at sa mga pinakamabuti sa mga burol na walang hanggan, at sa pinakamabuti sa lupa at sa lahat ng naroroon; at ang kanyang mabuting kalooban na naninirahan sa mababang punungkahoy: dumating nawa ito sa ulo ni Jose, at sa tuktok ng ulo niya na itinalaga sa kanyang mga kapatid. Gaya ng panganay ng kanyang baka, kaluwalhatian ay sa kanya, at ang mga sungay ng mabangis na toro ay kanyang mga sungay; sa pamamagitan ng mga iyon ay itutulak niya ang mga bayan hanggang sa mga hangganan ng lupa, at sila ang sampung libu-libo niEfraim, at sila ang libu-libo ni Manases." At tungkol kay Zebulon ay kanyang sinabi, "Magalak ka, Zebulon, sa iyong paglabas; at ikaw, Isacar, sa iyong mga tolda. Kanilang tatawagin ang mga bayan sa bundok; maghahandog sila ng mga matuwid na alay; sapagkat kanilang sisipsipin ang mga kasaganaan ng mga dagat, at ang natatagong kayamanan sa buhanginan." At tungkol kay Gad, ay kanyang sinabi, "Pagpalain ang nagpalaki kay Gad: siya'y mabubuhay na parang isang leon, at lalapain ang bisig at ang bao ng ulo. Kanyang pinili ang: pinakamabuti sa lupain para sa kanya, sapagkat doon nakatago ang bahagi ng isang pinuno, at siya'y dumating sa mga pinuno ng bayan, kanyang isinagawa ang katuwiran ng PANGINOON, at ang kanyang mga batas sa Israel." At tungkol kay Dan ay kanyang sinabi, "Si Dan ay anak ng leon, na lumukso mula sa Basan." At tungkol kay Neftali ay kanyang sinabi, "O Neftali, na busog ng mabuting kalooban, at puspos ng pagpapala ng PANGINOON; angkinin mo ang kanluran at ang timog." At tungkol kay Aser ay kanyang sinabi, "Pagpalain si Aser nang higit sa ibang mga anak; itangi nawa siya ng kanyang mga kapatid, at ilubog ang kanyang paa sa langis. Ang iyong mga halang ay magiging bakal at tanso; kung paano ang iyong mga araw ay gayon nawa ang iyong lakas. "Walang gaya ng Diyos, O Jeshurun, na sumasakay sa langit dahil sa pagtulong sa iyo, at sa himpapawid dahil sa kanyang karangalan. Ang walang hanggang Diyos ay isang kanlungan, at sa ibaba'y ang walang hanggang mga bisig. At kanyang palalayasin ang kaaway sa harapan mo, at sinabi, 'Puksain.' Kaya't ang Israel ay ligtas na namumuhay, ang bukal ni Jacob sa lupain ng trigo at alak, Oo, ang kanyang mga langit ay magbababa ng hamog. Mapalad ka, O Israel! Sino ang gaya mo, bayang iniligtas ng PANGINOON, ang kalasag na iyong tulong, ang tabak ng iyong tagumpay! At ang iyong mga kaaway ay manginginig sa harapan mo, at ikaw ay tutuntong sa kanilang mga matataas na dako." Pagkatapos ay umakyat si Moises sa bundok ng Nebo mula sa mga kapatagan ng Moab, sa taluktok ng Pisga, na nasa tapat ng Jerico. At ipinakita sa kanya ng PANGINOON ang buong lupain ng Gilead hanggang sa Dan, ang buong Neftali, ang lupain ng Efraim at ng Manases, at ang buong lupain ng Juda hanggang sa dagat sa kanluran, ang Negeb at ang kapatagan ng libis ng Jerico na lunsod ng mga puno ng palma hanggang sa Zoar. At sinabi ng PANGINOON sa kanya, "Ito ang lupain na aking ipinangako kina Abraham, Isaac, at Jacob, na sinasabi, Aking ibibigay sa iyong binhi;' aking ipinakita sa iyo, ngunit hindi ka daraan doon." Kaya't si Moises na lingkod ng PANGINOON ay namatay sa lupain ng Moab ayon sa salita ng PANGINOON. Kanyang inilibing siya sa libis sa lupain ng Moab na nasa tapat ng Bet-peor; ngunit walang sinumang tao ang nakakaalam ng libingan niya hanggang sa araw na ito. Si Moises ay isandaan at dalawampung taong gulang nang siya'y mamatay. Ang kanyang mata'y hindi lumabo, ni ang kanyang likas na lakas ay humina. At ipinagluksa ng mga anak ni Israel si Moises nang tatlumpung araw sa mga kapatagan ng Moab, at natapos ang mga araw ng pagtangis at pagluluksa para kay Moises. Si Josue na anak ni Nun ay puspos ng espiritu ng karunungan, sapagkat ipinatong ni Moises ang kanyang mga kamay sa kanya. Pinakinggan siya ng mga anak ni Israel, at ginawa nila ang gaya ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. At wala pang bumangong propeta sa Israel na gaya ni Moises, na kilala ng PANGINOON nang mukhaan. Walang tulad niya dahil sa lahat ng mga tanda at mga kababalaghang iniutos ng PANGINOON na gawin niya sa lupain ng Ehipto, kay Faraon, at sa lahat ng kanyang mga lingkod, at sa kanyang buong lupain, at dahil sa makapangyarihang kamay at sa dakila at kakilakilabot na ginawa ni Moises sa paningin ng buong Israel. Nangyari nga, pagkamatay ni Moises na lingkod ng PANGINOON, ang PANGINOON ay nagsalita kay Josue na anak ni Nun, na lingkod ni Moises, na sinasabi, "Si Moises na aking lingkod ay patay na. Tumindig ka at tumawid sa Jordang ito, ikaw at ang buong bayang ito hanggang sa lupain na aking ibinibigay sa kanila, sa mga anak ni Israel. Bawat dakong tuntungan ng talampakan ng inyong paa ay naibigay ko na sa inyo, gaya ng sinabi ko kay Moises. Mula sa ilang at sa Lebanon na ito, hanggang sa malaking ilog ng Eufrates, sa buong lupain ng mga Heteo, at hanggang sa Malaking Dagat sa dakong nilulubugan ng araw ay magiging inyong nasasakupan. Walang sinumang tao ang magtatagumpay laban sa iyo sa lahat ng mga araw ng iyong buhay; kung paanong ako'y nakasama ni Moises, ako'y makakasama mo rin. Hindi kita iiwan ni pababayaan man. Magpakalakas ka at magpakatapang na mabuti, sapagkat ipapamana mo sa bayang ito ang lupain na aking ipinangakong ibibigay sa kanilang mga ninuno. Magpakalakas ka lamang at magpakatapang na mabuti. Gawin mo ang ayon sa lahat ng kautusang iniutos sa iyo ni Moises na aking lingkod. Huwag kang liliko sa kanan o sa kaliwa, upang ikaw ay maging matagumpay saan ka man pumunta. Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag aalisin sa iyong bibig, kundi ito ay iyong pagbubulay-bulayan araw at gabi, upang iyong masunod ang ayon sa lahat ng nakasulat dito; sapagkat kung magkagayo'y iyong pagiginhawahin ang iyong lakad, at magtatamo ka ng tagumpay. Hindi ba't inutusan kita? Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang na mabuti; huwag kang matakot, ni manlupaypay; sapagkat ang PANGINOON mong Diyos ay kasama mo saan ka man pumaroon." Nang magkagayo'y nag-utos si Josue sa mga pinuno ng bayan, na sinasabi, "Kayo'y pumasok sa gitna ng kampo at ipag-utos sa mga tao, na sinasabi, 'Maghanda kayo ng baon sapagkat sa loob ng tatlong araw ay tatawid kayo sa Jordang ito, upang pumasok at angkinin ang lupain na ibinibigay sa inyo ng PANGINOON ninyong Diyos.'" Sinabi ni Josue sa mga Rubenita, sa mga Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases, "Alalahanin ninyo ang salita na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng PANGINOON, na sinasabi, 'Binibigyan kayo ng lugar ng kapahingahan ng PANGINOON ninyong Diyos, at ibibigay sa inyo ang lupaing ito.' Ang inyong mga asawa, mga bata, at mga hayop ay mananatili sa lupaing ibinigay sa inyo ni Moises sa kabila ng Jordan; ngunit lahat ng mandirigma ay tatawid na may sandata sa harapan ng inyong mga kapatid, at tutulungan sila; hanggang sa mabigyan ng kapahingahan ng PANGINOON ang inyong mga kapatid na gaya ninyo, at maangkin nila ang lupaing ibinibigay sa kanila ng PANGINOON ninyong Diyos. Kung magkagayo'y babalik kayo sa lupain na inyong pag-aari, at inyong aariin, na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng PANGINOON sa kabila ng Jordan sa dakong sinisikatan ng araw." At sila'y sumagot kay Josue, na sinasabi, "Lahat ng iyong iniutos sa amin ay aming gagawin, at saan mo man kami suguin ay pupunta kami. Kung paanong pinakinggan namin si Moises sa lahat ng mga bagay, ay gayon ka namin papakinggan. Sumaiyo nawa ang PANGINOON mong Diyos na gaya kay Moises. Sinumang maghihimagsik laban sa iyong utos, at hindi makikinig sa iyong mga salita sa lahat ng iyong iniuutos sa kanya ay ipapapatay; magpakalakas ka lamang at magpakatapang na mabuti." Si Josue na anak ni Nun ay palihim na nagsugo mula sa Shittim ng dalawang lalaki bilang tiktik, na sinasabi, "Humayo kayo, tingnan ninyo ang lupain, at ang Jerico." At sila'y humayo at pumasok sa bahay ng isang upahang babae na ang pangalan ay Rahab, at nakituloy doon. At ito'y ibinalita sa hari sa Jerico, na sinasabi, Tingnan ninyo, may mga lalaki mula sa Israel na pumasok dito ngayong gabi upang siyasatin ang lupain." Kaya't ang hari ng Jerico ay nagpasugo kay Rahab, na sinasabi, "Ilabas mo ang mga lalaking dumating sa iyo, at pumasok sa iyong bahay. Sila'y naparito upang siyasatin ang buong lupain." Subalit isinama ng babae ang dalawang lalaki at naikubli na sila. Pagkatapos ay sinabi niya, "Oo, ang mga lalaki ay naparito sa akin, ngunit hindi ko alam kung taga-saan sila. Sa oras ng pagsasara ng pintuang-bayan, nang madilim na, ang mga lalaki ay lumabas at hindi ko alam kung saan sila pumunta. Habulin ninyo sila kaagad, sapagkat aabutan ninyo sila." Gayunman, kanyang napaakyat na sila sa bubungan, at ikinubli sila sa mga tangkay ng lino na kanyang inilagay na maayos sa bubungan. Hinabol sila ng mga tao sa daang patungo sa Jordan hanggang sa mga tawiran, at pagkalabas ng humabol sa kanila, ay kanilang sinarhan ang pintuan. Bago sila natulog ay kanyang inakyat sila sa bubungan; at sinabi niya sa mga lalaki, "Nalalaman ko na ibinigay sa inyo ng PANGINOON ang lupain, at ang pagkatakot sa inyo ay dumating sa amin, at ang lahat ng nanirahan sa lupain ay nanghihina sa harapan ninyo. Sapagkat aming nabalitaan kung paanong tinuyo ng PANGINOON ang tubig sa Dagat na Pula sa harapan ninyo, nang kayo'y lumabas sa Ehipto; at kung ano ang inyong ginawa sa dalawang hari ng mga Amoreo, na nasa kabila ng Jordan, kay Sihon at kay Og, na inyong lubos na pinuksa. Nang mabalitaan namin iyon ay nanlumo ang aming puso, ni walang tapang na naiwan sa sinumang tao dahil sa inyo, sapagkat ang PANGINOON ninyong Diyos ay siyang Diyos sa langit sa itaas, at sa lupa sa ibaba. Kaya't ngayon, sumumpa kayo sa akin sa PANGINOON, yamang ako'y nagmagandang-loob sa inyo ay magmagandang-loob naman kayo sa sambahayan ng aking magulang. Bigyan ninyo ako ng tunay na tanda na ililigtas ninyong buhay ang aking ama, ang aking ina, ang aking mga kapatid na lalaki at babae, at ang lahat nilang ari-arian, at inyong ililigtas ang aming mga buhay sa kamatayan." At sinabi ng mga lalaki sa kanya, 'Ang aming buhay ay sa iyo kung hindi ninyo ihahayag itong aming pakay. Kapag ibinigay sa amin ng PANGINOON ang lupain, kami ay magmamagandang-loob at magiging tapat sainyo." Nang magkagayo'y kanyang pinababa sila sa pamamagitan ng isang lubid sa bintana, sapagkat ang kanyang bahay ay nasa pader ng bayan, at siya'y nakatira sa pader. Sinabi niya sa kanila, "Pumaroon kayo sa bundok, baka kayo'y abutan ng mga humahabol sa inyo; at kayo'y magkubli roon ng tatlong araw, hanggang sa bumalik ang mga humahabol, at pagkatapos ay makakahayo na kayo ng inyong lakad." At sinabi ng mga lalaki sa kanya, "Kami ay mapapalaya mula sa sumpang ito, na iyong ipinasumpa sa amin. Kapag kami ay pumasok sa lupain, itatali mo itong panaling pula sa bintana na ginamit mo sa pagpapababa sa amin. Titipunin mo sa loob ng bahay ang iyong ama, ang iyong ina, ang iyong mga kapatid, at ang buong sambahayan ng iyong ama. Kung may sinumang lumabas sa mga lansangan mula sa pintuan ng iyong bahay, sila ang mananagot sa sarili nilang kamatayan, at kami ay magiging walang kasalanan. Ngunit kung may magbuhat ng kamay sa sinumang kasama mo sa bahay, kami ang mananagot sa kanyang kamatayan. Ngunit kung iyong ihayag itong aming pakay ay magiging malaya kami sa sumpa na iyong ipinagawa sa amin." At kanyang sinabi, "Ayon sa inyong mga salita ay siya nawang mangyari." At kanyang pinapagpaalam sila at sila'y umalis, at itinali niya ang panaling pula sa bintana. Sila'y umalis at pumaroon sa bundok, at nanatili roon ng tatlong araw, hanggang sa bumalik ang mga humahabol. Hinanap sila ng mga humahabol sa lahat ng daan, ngunit hindi sila natagpuan. Pagkatapos ay bumalik ang dalawang lalaki mula sa bundok. Sila'y tumawid at naparoon kay Josue na anak ni Nun at kanilang isinalaysay sa kanya ang lahat ng nangyari sa kanila. Kanilang sinabi kay Josue, "Tunay na ibinigay ng PANGINOON sa ating mga kamay ang buong lupain; at bukod dito'y nanghina sa takot ang lahat ng naninirahan sa lupain sa harapan natin." Kinaumagahan, maagang bumangon si Josue at kasama ang lahat ng mga anak ni Israel ay umalis sa Shittim at dumating sa Jordan. Sila'y nagkampo muna doon bago tumawid. Pagkatapos ng tatlong araw, ang mga pinuno ay dumaan sa gitna ng kampo; at iniutos nila sa taong-bayan,na sinasabi, "Kapag nakita ninyo ang kaban ng tipan ng PANGINOON ninyong Diyos na dala ng mga paring Levita, ay aalis kayo sa inyong kinaroroonan. Susundan ninyo iyon upang malaman ninyo ang daan na nararapat ninyong paroonan; sapagkat hindi pa ninyo nadadaanan ang daang ito noong una. Gayunma'y magkakaroon ng agwat sa pagitan ninyo at sa kaban ng may dalawang libong siko ang sukat. Huwag kayong lalapit nang higit na malapit roon." At sinabi ni Josue sa bayan, "Magpakabanal kayo; sapagkat bukas ay gagawa ng mga kababalaghan ang PANGINOON sa inyo." At nagsalita si Josue sa mga pari, "Buhatin ninyo ang kaban ng tipan at mauna kayo sa bayan." At kanilang binuhat ang kaban ng tipan, at nauna sa bayan. At sinabi ng PANGINOON kay Josue, "Sa araw na ito ay pasisimulan kong gawing dakila ka sa paningin ng buong Israel, upang kanilang makilala na kung paanong ako'y kasama ni Moises ay gayon ako sa iyo. Iyong uutusan ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan, na sinasabi, 'Kapag kayo'y dumating sa tabi ng tubig ng Jordan ay tumigil kayo sa Jordan.'" Sinabi ni Josue sa mga anak ni Israel, "Lumapit kayo at dinggin ninyo ang mga salita ng PANGINOON ninyong Diyos." At sinabi ni Josue, "Sa ganito ay inyong makikilala na ang buhay na Diyos ay kasama ninyo, at walang pagsalang kanyang itataboy sa harapan ninyo ang mga Cananeo, Heteo, Heveo, Perezeo, Gergeseo, Amoreo, at ang Jebuseo. Narito ang kaban ng tipan ng Panginoon ng buong lupa ay mauuna sa inyo sa Jordan. Ngayon ay kumuha kayo ng labindalawang lalaki sa mga lipi ni Israel, isang lalaki sa bawat lipi. Kapag ang mga talampakan ng mga paa ng mga pari na nagdadala ng kaban ng PANGINOON, ang Panginoon ng buong lupa, ay tumuntong sa tubig ng Jordan, ang tubig ng Jordan ay hihinto sa pag-agos, maging ang tubig na bumababang mula sa itaas; at ang mga ito ay tatayo na isang bunton." At nangyari nang umalis ang bayan sa kanilang mga tolda upang tumawid sa Jordan, nasa unahan ng bayan ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan. Nang dumating sa Jordan ang mga may dala ng kaban, at ang mga paa ng mga pari na nagdadala ng kaban ay nabasa sa gilid ng tubig, (sapagkat inaapawan ng Jordan ang lahat nitong pampang sa buong panahon ng pag-aani,) ang tubig na bumababa mula sa itaas ay tumigil, at naging isang bunton na malayo sa Adam, ang bayang nasa tabi ng Zaretan, samantalang ang umaagos tungo sa dagat ng Araba, na Dagat ng Asin ay ganap na nahawi. At ang bayan ay tumawid sa tapat ng Jerico. Ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan ng PANGINOON ay panatag na tumayo sa tuyong lupa sa gitna ng Jordan, samantalang ang buong Israel ay dumaan sa tuyong lupa hanggang sa nakatawid sa Jordan ang buong bansa. At nangyari, nang ganap nang nakatawid sa Jordan ang buong bansa, sinabi ng PANGINOON kay Josue, "Kumuha ka ng labindalawang lalaki sa bayan, isa sa bawat lipi, at iutos ninyo sa kanila, 'Kumuha kayo ng labindalawang bato mula rito sa gitna ng Jordan, mula sa dakong matatag na tinatayuan ng mga paa ng mga pari at dalhin ninyo at ilapag sa dakong tinigilan ninyo sa gabing ito.'" Kaya't tinawag ni Josue ang labindalawang lalaki na kanyang inihanda sa mga anak ni Israel, isang lalaki sa bawat lipi. At sinabi ni Josue sa kanila, "Dumaan kayo sa harapan ng kaban ng PANGINOON ninyong Diyos sa gitna ng Jordan. Pasanin ng bawat isa sa inyo ang isang bato sa kanyang balikat, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Israel; upang ito'y maging isang tanda sa gitna ninyo, na kapag itinanong ng inyong mga anak sa panahong darating, 'Anong kahulugan sa inyo ng mga batong ito?' Inyo ngang sasabihin sa kanila, sapagkat ang tubig ng Jordan ay nahawi sa harapan ng kaban ng tipan ng PANGINOON; nang iyon ay dumaan sa Jordan ay nahawi ang tubig ng Jordan; at ang mga batong ito ay magiging alaala sa mga anak ni Israel magpakailanman." Ginawa ng mga anak ni Israel ang ayon sa iniutos ni Josue, at pumasan ng labindalawang bato mula sa gitna ng Jordan, gaya ng sinabi ng PANGINOON kay Josue, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Israel; at kanilang dinala sa dakong kanilang tutuluyan, at inilapag ang mga iyon doon. At si Josue ay nagpasalansan ng labindalawang bato sa gitna ng Jordan, sa dakong tinayuan ng mga paa ng mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan, at ang mga iyon ay naroon hanggang sa araw na ito. Ang mga pari na nagdadala ng kaban ay tumayo sa gitna ng Jordan, hanggang sa natapos sabihin ni Josue sa bayan ang bawat bagay na iniutos ng PANGINOON ayon sa lahat ng iniutos ni Moises kay Josue; at ang bayan ay tumawid na nagmamadali. Nang ganap nang nakatawid ang buong bayan, ang kaban ng PANGINOON at ang mga pari ay itinawid sa harapan ng bayan. Ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad, at ang kalahating lipi ni Manases, ay tumawid na may sandata sa harapan ng mga anak ni Israel, gaya ng sinabi ni Moises sa kanila. May apatnapung libo na may sandata sa pakikidigma ang tumawid sa harapan ng Panginoon na patungo sa pakikibaka sa mga kapatagan ng Jerico. Nang araw na iyon ay dinakila ng PANGINOON si Josue sa paningin ng buong Israel; at sila'y gumalang sa kanya, gaya ng kanilang paggalang kay Moises sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay. Ang PANGINOON ay nagsalita kay Josue, na sinasabi, "Iutos mo sa mga pari na nagdadala ng kaban ng patotoo na sila'y umahon mula sa Jordan." Kaya't nag-utos si Josue sa mga pari, "Umahon kayo mula sa Jordan." Nang umahon mula sa gitna ng Jordan ang mga pari na nagdadala ng kaban ng tipan ng PANGINOON, at nang tumuntong sa tuyong lupa ang mga talampakan ng mga paa ng mga pari, ang tubig ng Jordan ay bumalik sa kanilang lugar at umapaw sa pampang na gaya ng dati. Ang bayan ay umahon mula sa Jordan nang ikasampung araw ng unang buwan, at humimpil sa Gilgal, sa hangganang silangan ng Jerico. Ang labindalawang bato na kanilang kinuha sa Jordan ay isinalansan ni Josue sa Gilgal. At siya'y nagsalita sa mga anak ni Israel, "Kapag itinanong ng inyong mga anak sa kanilang mga magulang sa panahong darating, Anong kahulugan ng mga batong ito?' Inyo ngang ipapaalam sa mga anak ninyo, na sinasabi, 'Ang Israel ay tumawid sa Jordang ito sa tuyong lupa.' Sapagkat tinuyo ng PANGINOON ninyong Diyos ang tubig ng Jordan sa harapan ninyo, hanggang sa kayo'y nakatawid, gaya ng ginawa ng PANGINOON ninyong Diyos sa Dagat na Pula, na kanyang tinuyo para sa amin hanggang sa kami ay nakatawid; upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa na makapangyarihan ang kamay ng PANGINOON, upang sila'y matakot sa PANGINOON ninyong Diyos magpakailanman. Nang mabalitaan ng lahat ng mga hari ng mga Amoreo na nasa kabila ng Jordan sa dakong kanluran, at ng lahat ng mga hari ng mga Cananeo na nasa tabing dagat, kung paanong pinatuyo ng PANGINOON ang tubig ng Jordan sa harapan ng mga anak ni Israel, hanggang sa sila ay nakatawid, nanlumo ang kanilang puso, at sila'y nasiraan ng loob dahil sa mga anak ni Israel. Nang panahong iyon ay sinabi ng PANGINOON kay Josue, "Gumawa ka ng mga patalim na yari sa batong kiskisan at muli mong tuliin sa ikalawang pagkakataon ang mga anak ni Israel." Kaya't gumawa si Josue ng mga patalim na yari sa batong kiskisan, at tinuli ang mga anak ni Israel sa Gibeat-haaralot. Ito ang dahilan kung bakit tinuli sila ni Josue: ang lahat ng mga lalaking mandirigma na lumabas mula sa Ehipto, samakatuwid ay ang lahat na lalaking mandirigma na namatay sa ilang sa daan, pagkatapos na sila'y makalabas mula sa Ehipto. Bagama't ang buong bayan na lumabas ay mga tuli, ang buong bayan na ipinanganak sa ilang sa daan pagkalabas sa Ehipto ay hindi natuli. Sapagkat ang mga anak ni Israel ay lumakad na apatnapung taon sa ilang, hanggang sa ang buong bansa, samakatuwid, ang mga lalaking mandirigma na lumabas mula sa Ehipto, ay nalipol, sapagkat hindi nila dininig ang tinig ng PANGINOON. Sa kanila'y isinumpa ng PANGINOON na hindi niya ipapakita ang lupain na ipinangako ng PANGINOON sa kanilang mga ninuno na ibibigay sa atin, ang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot. Kaya't tinuli ni Josue ang kanilang mga anak na ipinanganak na kahalili nila, sapagkat hindi sila tuli, yamang hindi sila tinuli sa daan. Nang kanilang matuli na ang buong bansa, nanatili sila sa kanilang mga lugar sa kampo hanggang sa sila'y gumaling. At sinabi ng PANGINOON kay Josue, "Sa araw na ito ay iginulong ko palayo sa inyo ang kahihiyan ng Ehipto." Kaya't ang pangalan ng lugar na iyon ay tinawag na Gilgal hanggang sa araw na ito. Habang ang mga anak ni Israel ay nagkakampo sa Gilgal ay kanilang isinagawa ang paskuwa nang ikalabing-apat na araw ng buwan sa kinahapunan sa mga kapatagan ng Jerico. Kinabukasan, pagkatapos ng paskuwa, nang araw ding iyon, kanilang kinain ang bunga ng lupain, ang mga tinapay na walang pampaalsa at ang sinangag na trigo. At ang manna ay huminto kinabukasan, pagkatapos na sila'y makakain ng bunga ng lupain; at hindi na nagkaroon pa ng manna ang mga anak ni Israel kundi kanilang kinain ang bunga ng lupain ng Canaan ng taong iyon. Nang si Josue ay nasa may Jerico, kanyang itinaas ang kanyang paningin at nakita niyang nakatayo ang isang lalaki sa tapat niya na may tabak sa kanyang kamay. Lumapit sa kanya si Josue at sinabi sa kanya, "Ikaw ba'y sa panig namin o sa aming mga kaaway?" At kanyang sinabi, "Hindi; ako'y naparito bilang pinuno ng hukbo ng PANGINOON." At si Josue ay sumubsob sa lupa at sumamba, at sinabi sa kanya, "Anong ipinag-uutos ng aking panginoon sa kanyang lingkod?" Sumagot ang pinuno ng hukbo ng PANGINOON kay Josue, "Hubarin mo ang panyapak sa iyong paa, sapagkat ang dakong iyong kinatatayuan ay banal." At gayon ang ginawa ni Josue. Ang Jerico nga ay ganap na nakasara dahil sa mga anak ni Israel, walang nakakalabas at walang nakakapasok. At sinabi ng PANGINOON kay Josue, "Tingnan mo, ibinigay ko na sa iyong kamay ang Jerico, ang hari nito at ang mga mandirigma. Lilibutin ninyo ang buong lunsod, lahat ng mga lalaking mandirigma ay liligid na minsan sa lunsod. Gagawin ninyo ito sa loob ng anim na araw. Ang pitong pari ay magdadala ng pitong tambuli na mga sungay ng tupa sa unahan ng kaban; at sa ikapitong araw ay inyong paliligiran ng pitong ulit ang bayan at hihipan ng mga pari ang mga tambuli. Kapag hinipan na nila nang matagal ang sungay ng tupa, at kapag inyong narinig ang tunog ng tambuli ay sisigaw nang malakas ang buong bayan. Ang pader ng lunsod ay guguho at ang buong bayan ay tuluy-tuloy na sasalakay." Kaya't tinawag ni Josue na anak ni Nun ang mga pari at sinabi sa kanila, "Buhatin ninyo ang kaban ng tipan; pitong pari ang magdala ng pitong tambuli na mga sungay ng tupa sa unahan ng kaban ng PANGINOON." At kanyang sinabi sa bayan, "Sumulong kayo at lumakad sa palibot ng lunsod; at palakarin ninyo ang mga lalaking may sandata sa unahan ng kaban ng PANGINOON." Nang makapagsalita na si Josue sa bayan, ang pitong pari na may dalang pitong tambuli na mga sungay ng tupa sa harapan ng PANGINOON ay lumakad na pasulong at hinipan ang mga tambuli; at ang kaban ng tipan ng PANGINOON ay sumunod sa kanila. Ang mga lalaking may sandata ay nauna sa mga pari na humihihip ng mga tambuli, at ang bantay sa likuran ay sumusunod sa kaban, habang ang mga tambuli ay patuloy na hinihipan. At iniutos ni Josue sa bayan, "Huwag kayong sisigaw, ni maririnig ang inyong tinig, ni magsasalita ng anumang salita hanggang sa araw na aking sabihing kayo'y sumigaw; at saka lamang kayo sisigaw." Kaya't kanyang inilibot na minsan sa lunsod ang kaban ng PANGINOON. Sila'y pumasok sa kampo at nagpalipas ng gabi doon. Kinaumagahan, si Josue ay bumangong maaga, at binuhat ng mga pari ang kaban ng PANGINOON. Ang pitong pari na may dalang pitong tambuli na mga sungay ng tupa ay lumakad na pasulong sa unahan ng kaban ng PANGINOON, habang patuloy na hinihipan ang mga tambuli. Ang mga lalaking may sandata ay nauna sa kanila; at ang bantay sa likuran ay sumusunod sa kaban ng PANGINOON, habang patuloy na hinihipan ang mga tambuli. Sa ikalawang araw ay minsan silang lumakad sa palibot ng lunsod at bumalik sila sa kampo. Gayon ang kanilang ginawa sa loob ng anim na araw. At nangyari, nang ikapitong araw nang mag-uumaga na, sila'y maagang bumangon at pitong ulit silang lumakad sa palibot ng lunsod sa gayunding paraan. Nang araw lamang na iyon sila lumakad ng pitong ulit sa palibot ng lunsod. Sa ikapitong ulit, nang hipan ng mga pari ang mga tambuli ay sinabi ni Josue sa bayan, "Sumigaw kayo; sapagkat ibinigay na ng PANGINOON sa inyo ang lunsod. Ang lunsod pati ang lahat na naroroon ay itatalaga sa PANGINOON sa pagkawasak. Tanging si Rahab na upahang babae, siya at ang lahat na kasama niya sa bahay ang mananatiling buhay sapagkat kanyang ikinubli ang mga sugo na ating isinugo. Ngunit kayo, layuan ninyo ang mga itinalagang bagay; baka kapag naitalaga na sa inyo ay kumuha kayo ng anuman sa itinalagang bagay. Sa gayo'y susumpain dahil sa inyo ang kampo ng Israel, at magkakaroon ng kaguluhan. Ngunit lahat ng pilak, ginto, mga sisidlang tanso at bakal ay banal sa PANGINOON; ang mga ito ay ipapasok sa kabang-yaman ng PANGINOON." Kaya't sumigaw ang bayan, at hinipan ang mga tambuli. Nang marinig ng bayan ang tunog ng tambuli, ang bayan ay sumigaw ng napakalakas. Ang pader ay gumuho, kaya't ang bayan ay lumusob sa lunsod, ang bawat lalaki ay tuloy-tuloy na pumasok at kanilang sinakop ang lunsod. Kanilang lubos na pinuksa ng talim ng tabak ang lahat ng nasa lunsod, maging lalaki at babae, ang bata at matanda, ang baka, tupa, at asno. At sinabi ni Josue sa dalawang lalaking naniktik sa lupain, "Pumasok kayo sa bahay ng. upahang babae at ilabas ninyo roon ang babae at ang lahat niyang ari-arian gaya ng inyong ipinangako sa kanya." Kaya't ang mga binatang espiya ay pumasok at inilabas si Rahab, ang kanyang ama, ina, mga kapatid, at lahat ng kanyang ari-arian. Ang lahat niyang kamag-anak ay kanila ring inilabas at sila ay inilagay sa labas ng kampo ng Israel. At kanilang sinunog ng apoy ang lunsod at ang lahat na naroroon; tanging ang pilak at ginto, mga sisidlang tanso at bakal ang kanilang ipinasok sa kabang-yaman ng bahay ng PANGINOON. Ngunit si Rahab na upahang babae, ang sambahayan ng kanyang ama, at ang lahat niyang ari-arian ay iniligtas ni Josue. Siya'y nanirahang kasama ng Israel hanggang sa araw na ito, sapagkat kanyang ikinubli ang mga sugo na ipinadala ni Josue upang maniktik sa Jerico. Sumumpa si Josue ng sumpa sa kanila nang panahong iyon, na sinasabi, "Sumpain sa harapan ng PANGINOON ang taong magbabangon at muling magtatayo nitong lunsod ng Jerico. Sa halaga ng kanyang panganay ay ilalagay niya ang saligan nito at sa halaga ng kanyang bunsong lalaki ay itatayo niya ang mga pintuan nito." Kaya't ang PANGINOON ay naging kasama ni Josue; at ang kanyang kabantugan ay lumaganap sa buong lupain. Ngunit ang mga anak ni Israel ay lumabag tungkol sa mga itinalagang bagay: si Acan na anak ni Carmi, na anak ni Zabdi, na anak ni Zera, sa lipi ni Juda ay kumuha sa itinalagang bagay, at ang galit ng PANGINOON ay nagningas laban sa mga anak ni Israel. Si Josue ay nagsugo ng mga lalaki mula sa Jerico patungo sa Ai na malapit sa Bethaven, sa gawing silangan ng Bethel, at sinabi sa kanila, "Umahon kayo at tiktikan ninyo ang lupain." At ang mga lalaki ay humayo at tiniktikan ang Ai. At sila'y bumalik kay Josue at sinabi sa kanya, "Huwag mo nang paahunin ang buong bayan, kundi paahunin lamang ang dalawa o tatlong libong lalaki at salakayin ang Ai; huwag mo nang pagurin ang buong bayan, sapagkat sila'y kakaunti." Kaya't umahon mula sa bayan ang may tatlong libong lalaki; at sila'y nagtakbuhan sa harapan ng mga lalaki sa Ai. Ang napatay sa kanila ng mga lalaki sa Ai ay may tatlumpu't anim na lalaki; at kanilang hinabol sila mula sa harapan ng pintuang-bayan hanggang sa Sebarim, at pinatay sila sa dakong pababa. At ang mga puso ng taong-bayan ay nanlumo at naging parang tubig. Pagkatapos ay pinunit ni Josue ang kanyang mga suot, at nagpatirapa sa lupa sa harapan ng kaban ng PANGINOON hanggang sa kinahapunan, siya at ang matatanda ng Israel; at nilagyan nila ng alabok ang kanilang ulo. At sinabi ni Josue, "O Panginoong DIYOS, bakit mo pa pinatawid ang bayang ito sa Jordan upang ibigay lamang kami at puksain ng kamay ng mga Amoreo? Sana'y nasiyahan na kaming nanirahan sa kabila ng Jordan! O Panginoon, ano ang aking masasabi pagkatapos na ang Israel ay tumalikod sa harapan ng kanilang mga kaaway! Sapagkat mababalitaan ito ng mga Cananeo at ng lahat na naninirahan sa lupain, at kami ay kukubkubin at tatanggalin ang aming pangalan sa lupa; at ano ang gagawin mo sa iyong dakilang pangalan?" At sinabi ng PANGINOON kay Josue, "Tumayo ka; bakit ka nagpapatirapa ng ganito? Ang Israel ay nagkasala at kanilang nilabag ang tipan na aking iniutos sa kanila. Sila'y kumuha sa mga itinalagang bagay, sila'y nagnakaw, nagsinungaling at inilagay ang mga iyon sa kanilang sariling daladalahan. Kaya't ang mga anak ni Israel ay hindi makakatagal sa harapan ng kanilang mga kaaway; sila'y tumalikod sa harapan ng kanilang mga kaaway sapagkat sila'y naging bagay para sa pagkawasak. Ako'y hindi na sasama sa inyo, malibang puksain ninyo ang mga itinalagang bagay sa gitna ninyo. Tumayo ka, pakabanalin mo ang bayan, at sabihin mo, 'Magpakabanal kayo sa kinabukasan; sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel, "May mga itinalagang bagay sa gitna mo, O Israel. Ikaw ay hindi makakatagal sa harapan ng iyong mga kaaway, hanggang sa inyong alisin ang itinalagang bagay sa gitna ninyo." Sa kinaumagahan ay lalapit kayo ayon sa inyong mga lipi. Ang lipi na pipiliin ng PANGINOON ay lalapit ayon sa mga angkan, at ang angkan na pipiliin ng PANGINOON ay lalapit ayon sa mga sambahayan, at ang sambahayan na pipiliin ng PANGINOON ay lalapit, bawat lalaki. Ang makunan ng itinalagang bagay ay susunugin sa apoy, siya at ang lahat niyang ari-arian, sapagkat kanyang sinuway ang tipan ng PANGINOON, at sapagkat siya'y gumawa ng kahihiyan sa Israel.' " Kinaumagahan maagang bumangon si Josue, at inilapit ang Israel ayon sa kanilang mga lipi, at ang lipi ni Juda ay napili. Kanyang inilapit ang angkan ni Juda at napili ang angkan ng mga Zeraita. Kanyang inilapit ang bawat lalaki sa angkan ng mga Zeraita, at si Zabdi ay napili. Kanyang inilapit ang bawat lalaki sa kanyang sambahayan at si Acan na anak ni Carmi, na anak ni Zabdi, na anak ni Zera, sa lipi ni Juda, ay napili. At sinabi ni Josue kay Acan, "Anak ko, luwalhatiin mo ang PANGINOONG Diyos ng Israel, at magtapat ka sa kanya. Sabihin mo sa akin ngayon kung ano ang iyong ginawa; huwag mong ilihim iyon sa akin." Sumagot si Acan kay Josue, ''Sa katotohanan ay nagkasala ako laban sa PANGINOONG Diyos ng Israel, at ganito ang aking ginawa. Nang aking makita sa mga sinamsam ang isang magandang balabal na mula sa Shinar, ang dalawang daang siklong pilak, at ang isang barang ginto na limampung siklo ang timbang ay akin ngang ninasa, at kinuha. Ang mga iyon ay nakabaon sa lupa sa gitna ng aking tolda at ang pilak ay nasa ilalim niyon." Kaya't nagpadala si Josue ng mga sugo at kanilang tinakbo ang tolda at nakitang iyon ay nakatago sa kanyang tolda, at ang pilak ay nasa ilalim niyon. Kanilang kinuha ang mga iyon palabas ng tolda at dinala kay Josue, at sa lahat ng mga anak ni Israel; at kanilang inilapag ang mga iyon sa harapan ng PANGINOON. Kinuha ni Josue at ng buong Israel na kasama niya si Acan na anak ni Zera, at ang pilak, balabal, barang ginto, ang kanyang mga anak na lalaki at babae, ang kanyang mga baka, mga asno, mga tupa, ang kanyang tolda, at ang lahat niyang ari-arian, at kanilang dinala sila sa libis ng Acor. At sinabi ni Josue, "Bakit mo kami dinalhan ng kaguluhan? Dinadalhan ka ng PANGINOON ng kaguluhan sa araw na ito." At pinagbabato siya ng mga bato ng buong Israel at kanilang sinunog sila sa apoy. Kanilang binuntunan siya ng mataas na bunton ng mga bato hanggang sa araw na ito; at ang PANGINOON ay tumalikod sa bangis ng kanyang galit. Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Libis ng Acor, hanggang sa araw na ito. Sinabi ng PANGINOON kay Josue, "Huwag kang matakot, ni manlumo; isama mo ang lahat ng lalaking mandirigma. Umahon ka ngayon sa Ai. Tingnan mo, ibinigay ko sa iyong kamay ang hari ng Ai, ang kanyang sambahayan, ang kanyang lunsod, at ang kanyang lupain. Iyong gagawin sa Ai at sa kanyang hari ang gaya ng iyong ginawa sa Jerico at sa hari niyon; tanging ang samsam at ang mga hayop nila ang iyong kukunin bilang samsam ninyo; tambangan mo ang bayan sa likuran." Kaya't humanda si Josue at ang lahat ng lalaking mandirigma upang umahon sa Ai. Pumili si Josue ng tatlumpung libong lalaking matatapang na mandirigma at sinugo sila kinagabihan. At iniutos niya sa kanila, "Narito, tambangan ninyo ang lunsod sa likuran; huwag kayong masyadong lalayo sa lunsod kundi manatili kayong nakahanda. Ako at ang buong bayan na kasama ko ay lalapit sa lunsod. Kapag sila'y lumabas laban sa amin gaya ng una ay tatakbuhan namin sila sa harap nila, at sila'y lalabas upang kami ay habulin hanggang sa aming mailayo sila sa lunsod, sapagkat kanilang sasabihin, 'Sila'y tumatakas sa harap natin na gaya ng una; kaya't tatakbuhan namin sila sa harap nila. Pagkatapos, mula sa pananambang ay inyong sasakupin ang lunsod, sapagkat ibibigay ito ng PANGINOON ninyong Diyos sa inyong kamay. Kapag inyong nasakop ang lunsod ay inyong sisilaban ng apoy ang lunsod at gagawin ang ayon sa iniutos ng PANGINOON. Narito, inuutusan ko kayo." Sila'y pinahayo ni Josue at sila'y pumunta sa dakong pagtatambangan at lumagay sa pagitan ng Bethel at ng Ai sa gawing kanluran ng Ai. Samantalang si Josue ay tumigil nang gabing iyon na kasama ng bayan. Kinaumagahan, si Josue ay maagang bumangon at tinipon ang mga tao, at umahon patungo sa Ai kasama ang mga matanda ng Israel sa unahan ng bayan. Ang buong bayan at ang lahat ng lalaking mandirigmang kasama niya ay umahon at lumapit sa harapan ng lunsod at nagkampo sa dakong hilaga ng Ai. Mayroong isang libis sa pagitan niya at ng Ai. Kumuha siya ng may limang libong lalaki at sila'y inilagay niyang panambang sa pagitan ng Bethel at ng Ai, sa dakong kanluran ng lunsod. Kaya't inilagay nila ang bayan, ang buong hukbo na nasa hilaga ng lunsod, at ang kanilang mga panambang sa kanluran ng lunsod. Ngunit pinalipas ni Josue ang gabing iyon sa libis. Nang ito ay makitang hari ngAi, siya at ang kanyang buong bayan, at ang mga lalaki sa lunsod ay nagmamadaling lumabas upang labanan ang Israel sa itinakdang lugar sa harapan ng Araba. Ngunit hindi niya nalalaman na may mananambang laban sa kanya sa likuran ng lunsod. Si Josue at ang buong Israel ay nagkunwaring nadaig sa harapan nila, at tumakbo sila patungo sa ilang. Kaya't ang lahat ng mga tao na nasa loob ng lunsod ay tinawag upang habulin sila, at habang kanilang hinahabol sina Josue, sila ay napapalayo sa lunsod. Walang lalaking naiwan sa Ai o sa Bethel na hindi lumabas upang habulin ang Israel. Kanilang iniwang bukas ang lunsod at hinabol ang Israel. Sinabi ng PANGINOON kay Josue, "Itaas mo ang sibat na nasa iyong kamay sa dakong Ai sapagkat ibibigay ko iyon sa iyong kamay." At itinaas ni Josue ang sibat na nasa kanyang kamay sa gawi ng lunsod. Pagkaunat niya ng kanyang kamay, ang mga mananambang ay mabilis na tumayo sa kanilang kinalalagyan, at sila'y tumakbo at pumasok sa bayan at sinakop ito; at nagmamadali nilang sinunog ang lunsod. Nang lumingon ang mga lalaki ng Ai sa likuran nila ay kanilang nakita na ang usok ng lunsod ay pumapailanglang sa langit. Wala silang kapangyarihan na makatakas sa daang ito o sa daang iyon; sapagkat ang bayan na tumakas patungo sa ilang ay bumaling sa mga humahabol. Nang makita ni Josue at ng buong Israel na nasakop ng mananambang ang lunsod at ang usok ng lunsod ay pumailanglang, sila ay muling bumalik at pinatay ang mga lalaki ng Ai. Ang iba'y lumabas sa lunsod laban sa kanila, kaya't sila'y nasa gitna ng Israel, na ang iba'y sa dakong ito, at ang iba'y sa dakong iyon. Pinatay sila ng Israel, at hindi nila hinayaang sila'y mabuhay o makatakas. Ngunit ang hari ng Ai ay hinuli nilang buhay at dinala kay Josue. Pagkatapos mapatay ng Israel ang lahat ng mga naninirahan sa Ai, sa ilang na doon ay hinabol at nabuwal silang lahat sa pamamagitan ng talim ng tabak, ay bumalik ang buong Israel sa Ai at nilipol ito ng talim ng tabak. Ang lahat ng nabuwal nang araw na iyon sa mga mamamayan ng Ai, maging lalaki o babae ay labindalawang libo. Sapagkat hindi iniurong ni Josue ang kanyang kamay kundi ginamit ang sibat hanggang sa kanyang lubos na mapuksa ang lahat ng mga taga-Ai. Tanging ang hayop at ang samsam sa lunsod na iyon ang kinuha ng Israel bilang samsam, ayon sa salita ng PANGINOON na kanyang iniutos kay Josue. Kaya't sinunog ni Josue ang Ai, at ginawang isang bunton ng pagkawasak na naroon hanggang sa araw na ito. At binitay niya ang hari ng Ai sa isang punungkahoy nang kinahapunan. Sa paglubog ng araw ay iniutos ni Josue na ibaba nila ang kanyang bangkay sa punungkahoy at ihagis sa pasukan ng pintuan ng lunsod. Iyon ay tinabunan ng malaking bunton ng mga bato na naroon hanggang sa araw na ito. Pagkatapos ay nagtayo si Josue sa bundok ng Ebal ng isang dambana para sa PANGINOONG Diyos ng Israel, gaya ng iniutos ni Moises na lingkod ng PANGINOON sa mga anak ni Israel, gaya ng nakasulat sa aklat ng kautusan ni Moises, na isang dambanang mula sa hindi tinapyasang mga bato at hindi ginamitan ng kagamitang bakal ng sinumang tao. Doon ay naghandog sila sa PANGINOON ng mga handog na sinusunog, at nag-alay ng mga handog pangkapayapaan. Sumulat siya sa mga bato ng isang sipi ng kautusan ni Moises na kanyang sinulat sa harapan ng mga anak ni Israel. At ang buong Israel, maging dayuhan o katutubong mamamayan kasama ang kanilang matatanda at mga pinuno at ang kanilang mga hukom, ay tumayo sa magkabilang panig ng kaban at sa harapan ng mga paring Levita, na nagdadala ng kaban ng tipan ng PANGINOON. Ang kalahati sa kanila ay sa harapan ng bundok Gerizim at ang kalahati ay sa harapan ng bundok Ebal; gaya ng iniutos nang una ni Moises na lingkod ng PANGINOON na kanilang basbasan ang bayan ng Israel. Pagkatapos ay kanyang binasa ang lahat ng mga salita ng kautusan, ang pagpapala at ang sumpa, ayon sa lahat na nakasulat sa aklat ng kautusan. Walang salita sa lahat ng iniutos ni Moises na hindi binasa ni Josue sa harapan ng buong kapulungan ng Israel, sa mga babae, mga bata, at mga dayuhang naninirahang kasama nila. Nang mabalitaan ito ng lahat ng haring nasa kabila ng Jordan sa lupaing maburol at sa mga kapatagan, at sa lahat ng baybayin ng Malaking Dagat sa tapat ng Lebanon: ang mga Heteo, mga Amoreo, mga Cananeo, mga Perezeo, mga Heveo, at mga Jebuseo — sila ay nagkaisang magtipon upang labanan si Josue at ang Israel. Ngunit nang mabalitaan ng mga taga-Gibeon ang ginawa ni Josue sa Jerico at sa Ai, sila ay kumilos na may katusuhan. Sila ay umalis at naghanda ng mga baon, at nagpasan ng mga lumang sako sa kanilang mga asno at mga sisidlang balat ng alak na luma, punit at tinahi-tahi, at mga tagpi-tagping sandalyas sa kanilang mga paa, at ng mga lumang bihisan na suot nila; at ang lahat ng tinapay na kanilang baon ay tuyo at inaamag. Sila'y pumunta kay Josue sa kampo sa Gilgal, at sinabi sa kanya at sa mga Israelita, "Kami ay mula sa malayong lupain, ngayon nga'y makipagtipan kayo sa amin." Ngunit sinabi ng mga Israelita sa mga Heveo, "Marahil kayo'y naninirahang kasama namin; paano kami makikipagtipan sa inyo?" At kanilang sinabi kay Josue, "Kami ay iyong mga lingkod." Sinabi naman ni Josue sa kanila, "Sino kayo at saan kayo galing?" Sinabi nila sa kanya, "Mula sa napakalayong lupain ay dumating ang iyong mga lingkod dahil sa pangalan ng PANGINOON mong Diyos, sapagkat aming nabalitaan ang kabantugan niya, at ang lahat niyang ginawa sa Ehipto, at lahat ng kanyang ginawa sa dalawang hari ng mga Amoreo, na nasa kabila ng Jordan, kay Sihon na hari ng Hesbon, at kay Og na hari ng Basan, na nasa Astarot. Ang aming matatanda at ang lahat ng mamamayan sa aming lupain ay nagsalita sa amin, 'Magbaon kayo sa inyong kamay para sa paglalakbay, at humayo kayo upang salubungin sila, at inyong sabihin sa kanila, "Kami ay inyong mga lingkod, at ngayo'y makipagtipan kayo sa amin."' Itong aming tinapay ay kinuha naming mainit pa bilang baon namin mula sa aming mga bahay nang araw na kami ay lumabas na patungo sa inyo. Ngunit ngayon, ito ay tuyo at inaamag; at itong mga sisidlang balat ng alak ay bago nang aming punuin ang mga ito, Ngunit ngayon ay mga punit na, at itong aming mga bihisan at aming mga sandalyas ay naluma dahil sa napakalayong paglalakbay. Kinuha ng mga tao sa Israel ang kanilang baon, at hindi humingi ng payo sa PANGINOON. Si Josue ay nakipagpayapaan sa kanila at nakipagtipan sa kanila, at hinayaan silang mabuhay; at ang mga pinuno ng kapulungan ay sumumpa sa kanila. Sa katapusan ng tatlong araw, pagkatapos na sila'y makapagtipan sa kanila, kanilang nabalitaan na sila'y kanilang kalapit bayan, at sila'y naninirahang kasama nila. Kaya't ang anak ni Israel ay naglakbay at dumating sa kanilang mga bayan sa ikatlong araw. Ang kanila ngang mga bayan ay Gibeon, Cefira, Beerot, at Kiryat-jearim. Hindi sila sinaktan ng mga anak ni Israel, sapagkat ang mga pinuno ng kapulungan ay sumumpa sa kanila sa pangalan ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel. At ang buong kapulungan ay nagbulung-bulungan laban sa mga pinuno. Ngunit sinabi ng lahat ng mga pinuno sa buong kapulungan, "Kami ay sumumpa sa kanila sa pangalan ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel; kaya't hindi natin sila magagalaw. Ito ang ating gagawin sa kanila: hahayaan natin silang mabuhay upang ang poot ay huwag mapasaatin dahil sa sumpa na ating isinumpa sa kanila." Sinabi ng mga pinuno sa kanila, "Hayaan silang mabuhay." Kaya't sila'y naging tagaputol ng kahoy at tagasalok ng tubig para sa buong kapulungan gaya nang sinabi ng mga pinuno sa kanila. Ipinatawag sila ni Josue at sinabi sa kanila, "Bakit ninyo kami dinaya sa pagsasabing, 'Kami ay napakalayo sa inyo;' samantalang sa katotohanan ay naninirahan kayong kasama namin? Ngayon nga'y sumpain kayo, at ang ilan sa inyo ay laging magiging mga alipin, mga tagaputol ng kahoy at tagasalok ng tubig para sa bahay ng aking Diyos." At sila'y sumagot kay Josue, "Sapagkat tunay na naisalaysay sa iyong mga lingkod, kung paanong iniutos ng PANGINOON ninyong Diyos kay Moises na kanyang lingkod na ibibigay sa inyo ang buong lupain, at inyong pupuksain ang lahat ng naninirahan sa lupain sa harapan ninyo; kaya't natakot kaming mainam para sa aming buhay dahil sa inyo, at aming ginawa ang bagay na ito. Kami ay nasa iyong kamay; kung ano ang inaakala mong mabuti at matuwid na gawin sa amin ay gawin mo." Gayon ang ginawa niya sa kanila at kanyang iniligtas sila sa kamay ng mga anak ni Israel, at sila'y hindi nila pinatay. Ngunit nang araw na iyon ay ginawa sila ni Josue na mga tagaputol ng kahoy at mga tagasalok ng tubig para sa kapulungan at sa dambana ng PANGINOON sa dakong kanyang pipiliin hanggang sa araw na ito. Nang mabalitaan ni Adonizedek na hari ng Jerusalem kung paanong nasakop ni Josue ang Ai at ganap itong winasak (gaya ng kanyang ginawa sa Jerico at sa hari niyon, gayundin ang kanyang ginawa sa Ai at sa hari niyon), at kung paanong nakipagpayapaan sa kanila ang mga taga-Gibeon, at naging kasama nila; sila ay masyadong natakot sapagkat ang Gibeon ay malaking lunsod na gaya ng isa sa mga lunsod ng hari, at sapagkat higit na malaki kaysa Ai, at ang lahat ng lalaki roon ay makapangyarihan. Kaya't si Adonizedek na hari ng Jerusalem ay nagsugo kay Oham na hari ng Hebron, at kay Piram na hari ng Jarmut, at kay Jafia na hari ng Lakish, at kay Debir na hari ng Eglon na ipinasasabi, "Pumarito kayo at tulungan ninyo ako, at patayin natin ang Gibeon, sapagkat ito ay nakipagpayapaan kay Josue at sa mga anak ni Israel." Kaya't tinipon ng limang hari ng mga Amoreo, ang hari ng Jerusalem, ang hari ng Hebron, ang hari ng Jarmut, ang hari ng Lakish, at ang hari ng Eglon ang kanilang hukbo at nagkampo laban sa Gibeon, at nakipagdigma laban dito. At ang mga tao sa Gibeon ay nagpasugo kay Josue sa kampo sa Gilgal, na sinasabi, "Huwag mong iwan ang iyong mga lingkod. Pumarito ka agad sa amin, iligtas at tulungan mo kami, sapagkat ang lahat ng mga hari ng mga Amoreo na naninirahan sa lupaing maburol ay nagtipon laban sa amin." Kaya't umahon si Josue mula sa Gilgal, siya at ang buong bayang pandigma na kasama niya, at ang lahat ng mga matatapang na mandirigma. Sinabi ng PANGINOON kay Josue, "Huwag mo silang katakutan sapagkat ibinigay ko sila sa iyong mga kamay; walang lalaki sa kanila na makakatayo laban sa iyo." Kaya't si Josue ay biglang dumating sa kanila; siya'y umahon mula sa Gilgal sa buong magdamag. Nilito sila ng PANGINOON sa harapan ng Israel, at kanyang pinatay sila sa isang kakilakilabot na patayan sa Gibeon, at kanyang hinabol sila sa daang paahon sa Bethoron at tinugis sila hanggang sa Azeka at sa Makeda. Habang tumatakas sa harapan ng Israel samantalang sila'y pababa sa Bethoron ay binagsakan sila ng PANGINOON sa Azeka ng malalaking bato mula sa langit at sila'y namatay. Higit na marami ang namatay sa pamamagitan ng mga batong granizo kaysa pinatay ng mga anak ni Israel sa pamamagitan ng tabak. Nang magkagayo'y nagsalita si Josue sa PANGINOON nang araw na ibinigay ng PANGINOON ang mga Amoreo sa harapan ng mga anak ni Israel; at kanyang sinabi sa paningin ng Israel, "Araw, tumigil ka sa Gibeon; at ikaw, Buwan, sa libis ng Aijalon." At ang araw ay tumigil at ang buwan ay huminto, hanggang sa ang bansa ay nakapaghiganti sa kanyang mga kaaway. Hindi ba ito'y nakasulat sa aklat ni Jaser? Ang araw ay tumigil sa gitna ng langit, at hindi nagmadaling lumubog sa isang buong araw. At hindi nagkaroon ng araw na gaya niyon bago noon o pagkatapos noon, na ang PANGINOON ay nakinig sa tinig ng isang tao; sapagkat ipinakipaglaban ng PANGINOON ang Israel. At bumalik si Josue kasama ang buong Israel sa kampo sa Gilgal. Samantala, ang limang haring ito ay tumakas at nagtago sa yungib sa Makeda. At ibinalita kay Josue, "Ang limang hari ay natagpuang nagtatago sa yungib sa Makeda." Sinabi ni Josue, "Magpagulong kayo ng malalaking bato sa bunganga ng yungib, at maglagay kayo ng mga lalaki roon upang magbantay sa kanila. Ngunit huwag kayong magsitigil; habulin ninyo ang inyong mga kaaway at tugisin ang kahuli-hulihan sa kanila. Huwag ninyong hayaang makapasok sila sa kanilang mga lunsod sapagkat ibinigay sila ng PANGINOON ninyong Diyos sa inyong kamay." Pagkatapos silang patayin ni Josue at ng mga anak ni Israel sa isang kakilakilabot na patayan hanggang sa nalipol at ang nalabi sa kanila ay pumasok sa mga may pader na lunsod, ang buong bayan ay bumalik na ligtas kay Josue sa kampo ng Makeda; walang sinumang nangahas magsalita laban sa sinumang Israelita. Kaya't sinabi ni Josue, "Inyong buksan ang bunganga ng yungib at dalhin ninyo sa akin ang limang haring nasa yungib." Gayon ang kanilang ginawa at inilabas ang limang hari mula sa yungib, ang hari ng Jerusalem, ang hari ng Hebron, ang hari ng Jarmut, ang hari ng Lakish, at ang hari ng Eglon. Nang kanilang mailabas ang mga haring iyon kay Josue, ipinatawag ni Josue ang lahat ng lalaki sa Israel at sinabi sa mga pinuno ng mga lalaking mandirigma na sumama sa kanya, "Lumapit kayo, ilagay ninyo ang inyong mga paa sa mga leeg ng mga haring ito." At sila'y lumapit at inilagay ang kanilang mga paa sa kanilang mga leeg. At sinabi ni Josue sa kanila, "Huwag kayong matakot ni mabagabag; kayo'y magpakalakas at magpakatapang, sapagkat ganito ang gagawin ng Panginoon sa lahat ninyong mga kaaway na inyong nilalabanan." Pagkatapos ay pinatay sila ni Josue at ibinitin sila sa limang punungkahoy. Sila'y ibinitin sa mga punungkahoy hanggang sa kinahapunan. Ngunit sa paglubog ng araw, si Josue ay nag-utos at kanilang ibinaba sila sa mga punungkahoy, at kanilang itinapon sa yungib na kanilang pinagtaguan, at kanilang nilagyan ng malalaking bato ang bunganga ng yungib na nananatili hanggang sa araw na ito. Sinakop ni Josue ang Makeda nang araw na iyon, at sinugatan ng talim ng tabak, at ang hari niyon. Kanyang lubos na nilipol ang lahat ng tao na naroon; wala siyang itinira; at kanyang ginawa sa hari ng Makeda ang gaya ng kanyang ginawa sa hari ng Jerico. Si Josue ay dumaan mula sa Makeda, at ang buong Israel na kasama niya, hanggang sa Libna, at nilabanan ang Libra. Ibinigay rin ng PANGINOON, pati ang hari niyon sa kamay ng Israel; at kanyang pinatay ng talim ng tabak ang bawat taong naroon. Wala siyang itinira; at kanyang ginawa sa hari niyon ang gaya ng kanyang ginawa sa hari sa Jerico. At dumaan si Josue mula sa Libna, at ang buong Israel na kasama niya, hanggang sa Lakish, at nagkampo laban doon, at lumaban doon. Ibinigay ng PANGINOON ang Lakish sa kamay ng Israel at kanyang sinakop sa ikalawang araw. Lahat ng mga taong naroroon ay kanyang pinatay ng talim ng tabak, gaya ng kanyang ginawa sa Libna. Pagkatapos ay umahon si Horam na hari sa Gezer upang tulungan ang Lakish. Siya at ang kanyang bayan ay pinatay ni Josue, hanggang sa siya'y walang iniwang may buhay. Dumaan si Josue mula sa Lakish, at ang buong Israel na kasama niya, hanggang sa Eglon; at sila'y nagkampo at nakipaglaban doon. Kanilang sinakop iyon nang araw na iyon at pinatay ng talim ng tabak, at ang lahat na taong naroon, gaya ng kanyang ginawa sa Lakish. At umahon si Josue at ang buong Israel mula sa Eglon hanggang sa Hebron; at sila'y nakipaglaban doon. At kanilang sinakop at pinatay ng talim ng tabak ang hari niyon, ang lahat ng mga lunsod niyon, at ang lahat ng taong naroon. Wala siyang itinira gaya ng kanyang ginawa sa Eglon; kundi kanyang lubos na nilipol ang lahat ng taong naroon. At si Josue at ang buong Israel na kasama niya ay bumalik sa Debir at nakipaglaban doon. At kanyang sinakop ito at ang hari niyon, at ang lahat ng mga bayan niyon; at kanilang pinatay ng talim ng tabak at lubos na nilipol ang lahat ng taong naroon; wala siyang iniwang nalabi; kung paano ang kanyang ginawa sa Hebron, ay gayon ang kanyang ginawa sa Debir, at sa hari nito; gaya nang kanyang ginawa sa Libna at sa hari nito. Ganito ginapi ni Josue ang buong lupain, ang lupaing maburol, at ang Negeb, at ang mababang lupain, at ang mga libis, at ang lahat ng mga hari niyon. Wala siyang itinira, kundi kanyang lubos na nilipol ang lahat na humihinga, gaya ng iniutos ng PANGINOONG Diyos ng Israel. At ginapi sila ni Josue mula sa Kadesh-barnea hanggang sa Gaza, at ang buong lupain ng Goshen, hanggang sa Gibeon. At ang lahat ng mga haring ito at ang kanilang lupain ay sinakop ni Josue sa isang panahon sapagkat ang Israel ay ipinaglaban ng PANGINOONG Diyos ng Israel. At si Josue at ang buong Israel na kasama niya ay bumalik sa kampo sa Gilgal. Nang mabalitaan ito ni Jabin na hari sa Hazor, siya'y nagpasugo kay Jobab na hari sa Madon, at sa hari sa Simron, at sa hari sa Acsaf, at sa mga hari na nasa hilaga, sa lupaing maburol, at sa Araba sa timog ng Cinerot at sa mababang lupain, at sa mga kaitaasan ng Dor sa kanluran, sa Cananeo sa silangan at kanluran, sa Amoreo, sa Heteo, sa Perezeo, sa Jebuseo sa lupaing maburol, at sa Heveo sa ibaba ng Hermon, sa lupain ng Mizpa. At sila'y lumabas, kasama ang kanilang mga hukbo, napakaraming tao na gaya ng mga buhangin na nasa baybayin ng dagat sa dami, na may napakaraming kabayo at karwahe. Pinagsama-sama ng mga haring ito ang kanilang mga hukbo at dumating at sama-samang nagkampo sa tubig ng Merom upang labanan ang Israel. Sinabi ng PANGINOON kay Josue, "Huwag kang matakot sa kanila sapagkat bukas, sa ganitong oras ay ibibigay ko silang lahat na patay sa harapan ng Israel; pipilayan ninyo ang kanilang mga kabayo at susunugin ng apoy ang kanilang mga karwahe." Kaya't biglang dumating sa kanila si Josue at ang lahat niyang mga mandirigma sa tabi ng tubig ng Merom, at sinalakay sila. Ibinigay sila ng PANGINOON sa kamay ng Israel, at kanilang pinuksa at hinabol sila hanggang sa malaking Sidon, at hanggang sa Misrefot-maim, at hanggang sa libis ng Mizpa, sa dakong silangan at pinatay nila sila hanggang sa wala silang iniwan sa kanila na nalabi. Ginawa ni Josue sa kanila ang gaya ng iniutos ng PANGINOON sa kanya; kanyang pinilayan ang kanilang mga kabayo, at sinunog ng apoy ang kanilang mga karwahe. Bumalik si Josue nang panahong iyon at sinakop ang Hazor, at pinatay ng tabak ang hari nito, sapagkat nang una ang Hazor ay puno ng lahat ng mga kahariang iyon. Kanilang pinatay ng talim ng tabak ang lahat ng taong naroon, na kanilang lubos na nilipol; walang naiwan na may hininga, at kanyang sinunog ang Hazor. Lahat ng mga lunsod ng mga haring iyon at lahat ng mga hari ng mga iyon ay sinakop ni Josue, at kanyang pinatay sila ng talim ng tabak at lubos na nilipol sila; gaya ng iniutos ni Moises na lingkod ng PANGINOON. Ngunit tungkol sa mga lunsod na nakatayo sa kanilang mga bunton ay walang sinunog ang Israel, maliban sa Hazor na sinunog ni Josue. Ang lahat na nasamsam sa mga lunsod na ito at ang mga hayop ay kinuha ng mga anak ni Israel bilang samsam para sa kanilang sarili; ngunit ang bawat tao ay pinatay nila ng talim ng tabak hanggang sa kanilang nalipol sila, ni hindi sila nag-iwan ng anumang may hininga. Kung paanong nag-utos ang PANGINOON kay Moises na kanyang lingkod ay gayon nag-utos si Moises kay Josue, at gayon ang ginawa ni Josue; wala siyang iniwang hindi ginawa sa lahat ng iniutos ng PANGINOON kay Moises. Kaya't sinakop ni Josue ang buong lupaing iyon, ang lupaing maburol, ang buong Negeb, ang buong lupain ng Goshen, ang mababang lupain, ang Araba, at ang lupaing maburol ng Israel, at ang mababang lupain niyon, mula sa bundok ng Halak na paahon sa Seir, hanggang sa Baal-gad sa libis ng Lebanon sa ibaba ng bundok Hermon; at kinuha niya ang lahat ng kanilang mga hari, at kanyang pinatay sila. Si Josue ay matagal na panahong nakipagdigmaan sa lahat ng mga haring iyon. Walang bayang nakipagpayapaan sa mga anak ni Israel, maliban sa mga Heveo na mga taga-Gibeon; kanilang kinuhang lahat sa pakikipaglaban. Sapagkat pinapagmatigas ng PANGINOON ang kanilang puso upang pumaroon laban sa Israel sa pakikipaglaban, upang kanilang mapuksa silang lubos, at huwag silang magtamo ng biyaya, kundi kanyang mapuksa sila, gaya nang iniutos ng PANGINOON kay Moises. Nang panahong iyon dumating si Josue at pinuksa ang mga Anakim mula sa lupaing maburol, Hebron, Debir, Anab, at sa buong lupaing maburol ng Juda, at sa buong lupaing maburol ng Israel; pinuksa silang lubos ni Josue pati ng kanilang mga bayan. Walang naiwan sa mga Anakim sa lupain ng mga anak ni Israel; tanging sa Gaza, Gat, at sa Asdod lamang siya nag-iwan ng iilan. Kaya't sinakop ni Josue ang buong lupain ayon sa lahat ng sinabi ng PANGINOON kay Moises; at ibinigay ito ni Josue bilang pamana sa Israel, ayon sa kanilang pagkakabahagi sang-ayon sa kanilang mga lipi. At ang lupain ay nagpahinga sa pakikipagdigma. Ang mga ito ang mga hari sa lupain na pinatay ng mga anak ni Israel, at inangkin ang kanilang lupain sa kabila ng Jordan sa dakong sinisikatan ng araw mula sa libis ng Arnon hanggang sa bundok ng Hermon, at ang buong Araba na dakong silangan: si Sihon na hari ng mga Amoreo, na nakatira sa Hesbon at namuno mula sa Aroer, na nasa tabi ng libis ng Arnon at ang gitna ng libis, at ang kalahati ng Gilead, hanggang sa ilog Jaboc na hangganan ng mga anak ni Ammon; at ang Araba hanggang sa dagat ng Cinerot patungong silangan, at sa dakong Bet-jesimot hanggang sa dagat ng Araba, sa Dagat na Alat, patungong timog sa paanan ng mga libis ng Pisga; at ang hangganan ni Og na harisa Basan, sa nalabi sa mga Refaim na nakatira sa Astarot at sa Edrei, at namuno sa bundok ng Hermon, at sa Saleca, at sa buong Basan, hanggang sa hangganan ng mga Geshureo at ng mga Maacatita, at ng kalahati ng Gilead, na hangganan ni Sihon na hari sa Hesbon. Pinatay sila ni Moises na lingkod ng PANGINOON at ng mga anak ni Israel; at ibinigay ni Moises na lingkod ng PANGINOON na pag-aari ng mga Rubenita, at sa mga Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases. Ang mga ito'y ang mga hari ng lupain na tinalo ni Josue at ng mga anak ni Israel sa kabila ng Jordan na dakong kanluran, mula sa Baal-gad na libis ng Lebanon hanggang sa bundok ng Halak, na paahon sa Seir (at ibinigay ni Josue na pag-aari sa mga lipi ng Israel ayon sa kanilang pagkakabaha-bahagi; sa lupaing maburol, at sa mababang lupain, at sa Araba, at sa mga libis, at sa ilang, at sa Timog; ang lupain ng mga Heteo, ang Amoreo, at ang Cananeo, ang Perezeo, ang Heveo, at ang Jebuseo); ang hari ng Jerico, isa; ang hari sa Ai na nasa tabi ng Bethel, isa; ang hari ng Jerusalem, isa; ang hari ng Hebron, isa; ang hari ng Jarmut, isa; ang hari ng Lakish, isa; ang hari ng Eglon, isa; ang hari ng Gezer, isa; ang hari ng Debir, isa; ang hari ng Geder, isa; ang hari ng Horma, isa; ang hari ng Arad, isa; ang hari ng Libna, isa; ang hari ng Adullam, isa; ang hari ng Makeda, isa; ang hari ng Bethel, isa; ang hari ng Tapua, isa; ang hari ng Hefer, isa; ang hari ng Afec, isa; ang hari ng Lasaron, isa; ang hari ng Madon, isa; ang hari ng Hazor, isa; ang hari ng Simron-meron, isa; ang hari ng Acsaf, isa; ang hari ng Taanac, isa; ang hari ng Megido, isa; ang hari ng Kedes, isa; ang hari ng Jokneam sa Carmel, isa; ang hari ng Dor sa kaitaasan ng Dor, isa; ang hari ng mga bansa sa Gilgal, isa; ang hari ng Tirsa, isa; lahat ng mga hari ay tatlumpu't isa. Si Josue ay matanda na at puspos ng mga taon. Sinabi ng PANGINOON sa kanya, "Ikaw ay matanda na, puspos na ng mga taon, at may nalalabi pang maraming lupain na sasakupin. Ito ang mga lupaing nalalabi: ang lahat ng lupain ng mga Filisteo, at ang lahat ng sa mga Geshureo: mula sa Sihor na nasa silangan ng Ehipto, hanggang sa hangganan ng Ekron sa dakong hilaga na kabilang sa mga Cananeo: ang limang pinuno ng mga Filisteo, ang mga Gazeo, Asdodeo, Ascaloneo, Geteo, Acronneo, at ang mga Heveo, sa timog: ang lahat ng lupain ng mga Cananeo, at ang Mehara, na pag-aari ng mga Sidonio hanggang sa Afec, hanggang sa hangganan ng mga Amoreo; at ang lupain ng mga Gebalita at ang buong Lebanon, sa dakong sinisikatan ng araw, mula sa Baal-gad, sa ibaba ng bundok Hermon hanggang sa pasukan sa Hamat; ang lahat ng naninirahan sa lupaing maburol mula sa Lebanon hanggang sa Misrefot-maim, samakatuwid ay lahat ng mga Sidonio; sila'y aking itataboy mula sa harapan ng mga anak ni Israel: lamang ay ibabahagi mo sa Israel bilang pamana, gaya ng iniutos ko sa iyo. Kaya ngayon, hatiin mo ang lupaing ito bilang pamana sa siyam na lipi, at sa kalahating lipi ni Manases." Kasama nito, tinanggap ng mga Rubenita at ng mga Gadita ang kanilang mana na ibinigay sa kanila ni Moises, sa kabila ng Jordan na dakong silangan gaya ng ibinigay sa kanila ni Moises na lingkod ng PANGINOON; mula sa Aroer na nasa tabi ng libis ng Arnon, at ang bayan na nasa gitna ng libis, at ang buong kapatagan ng Medeba hanggang sa Dibon; at ang lahat ng lunsod ni Sihon na hari ng mga Amoreo, na naghahari sa Hesbon hanggang sa hangganan ng mga anak ni Ammon; at ang Gilead, ang hangganan ng mga Geshureo at ng mga Maacatita at ang buong bundok ng Hermon, at ang buong Basan hanggang sa Saleca; ang buong kaharian ni Og sa Basan, na naghari sa Astarot at sa Edrei (siya lamang nalabi sa mga Refaim); ang mga ito ang nagapi at itinaboy ni Moises. Gayunma'y hindi itinaboy ng mga anak ni Israel ang mga Geshureo, ni ang mga Maacatita; kundi ang Geshur at ang Maacat ay nanirahan sa loob ng Israel hanggang sa araw na ito. Ang lipi lamang ni Levi ang hindi niya binigyan ng pamana; ang mga handog na pinaraan sa apoy sa PANGINOONG Diyos ng Israel ay kanilang pamana, gaya ng sinabi niya sa kanya. At nagbigay si Moises ng pamana sa lipi ng mga anak ni Ruben ayon sa kanilang mga angkan. Ang kanilang hangganan ay mula sa Aroer, na nasa tabi ng libis ng Arnon, at ang lunsod na nasa gitna ng libis, at ang buong kapatagan sa tabi ng Medeba; ang Hesbon at ang lahat ng mga bayan nito na nasa kapatagan; ang Dibon at ang Bamot-baal, at ang Bet-baalmeon; ang Jahaz, Kedemot, at ang Mefaat; ang Kiryataim, Sibma, Zeret-shahar, sa burol ng libis; ang Bet-peor, ang mga libis ng Pisga, ang Bet-jesimoth; at ang lahat ng mga lunsod sa kapatagan at ang buong kaharian ni Sihon na hari ng mga Amoreo na naghari sa Hesbon, na ginapi ni Moises kasama ang mga pinuno sa Midian; sina Evi, Rekem, Zur, Hur, at si Reba, na mga pinuno ni Sihon, na nanirahan sa lupain. Maging si Balaam na anak ni Beor na manghuhula ay pinatay ng tabak ng mga anak ni Israel sa mga nalabi sa kanilang pinatay. Ang hangganan ng mga anak ni Ruben ay ang Jordan at ang hangganan nito. Ito ang pamana sa mga anak ni Ruben ayon sa kanilang mga angkan, ang mga lunsod at ang mga nayon. Ibinigay ni Moises sa lipi ni Gad, sa mga anak ni Gad, ang ayon sa kanilang mga angkan. Ang kanilang hangganan ay ang Jazer, at ang lahat na lunsod ng Gilead, at ang kalahati ng lupain ng mga anak ni Ammon hanggang sa Aroer na nasa tapat ng Rabba; at mula sa Hesbon hanggang sa Ramat-mizpa, at sa Betonim; at mula sa Mahanaim hanggang sa nasasakupan ng Debir. At sa libis, ang Bet-haram, Bet-nimra, Sucot, Zafon, at ang nalabi sa kaharian ni Sihon na hari sa Hesbon, na ang Jordan ang hangganan nito, hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng dagat ng Cineret, sa kabila ng Jordan sa dakong silangan. Ito ang pamana sa mga anak ni Gad ayon sa kanilang mga angkan, ang mga lunsod at ang mga nayon. Si Moises ay nagbigay ng pamana sa kalahating lipi ni Manases: at ito ay ibinigay sa kalahating lipi ng mga anak ni Manases ayon sa kanilang mga angkan. Ang kanilang hangganan ay mula sa Mahanaim, ang buong Basan, ang buong kaharian ni Og na hari sa Basan at ang lahat ng mga lunsod ng Jair na nasa Basan, animnapung bayan. Ang kalahati ng Gilead at ang Astarot at ang Edrei, ang mga lunsod ng kaharian ni Og sa Basan, ay sa mga anak ni Makirita na anak ni Manases, samakatuwid ay sa kalahati ng mga anak ni Makirita ayon sa kanilang mga angkan. Ito ang mga pamana na ibinahagi ni Moises sa mga kapatagan ng Moab, sa kabila ng Jordan sa silangan ng Jerico. Ngunit sa lipi ni Levi ay walang ibinigay na pamana si Moises; ang PANGINOON na Diyos ng Israel ay kanilang pamana, gaya ng kanyang sinabi sa kanila. Ito ang mga pamanang tinanggap ng mga anak ni Israel sa lupain ng Canaan, na ipinamahagi sa kanila ng paring si Eleazar, at ni Josue na anak ni Nun, at ng mga puno ng mga sambahayan ng mga magulang ng mga lipi ng mga anak ni Israel, sa pamamagitan ng palabunutan ng kanilang mana, gaya ng iniutos ng PANGINOON sa pamamagitan ni Moises, sa siyam na lipi, at sa kalahating lipi. Sapagkat nabigyan na ni Moises ng pamana ang dalawang lipi at ang kalahating lipi sa kabila ng Jordan; ngunit sa mga Levita ay wala siyang ibinigay na pamana sa kanila. Sapagkat ang mga anak ni Jose ay naging dalawang lipi, ang Manases at ang Efraim; at wala ng bahaging ibinigay sa mga Levita sa lupain, liban sa mga lunsod na matitirahan, pati ng mga pastulan para sa kanilang hayop at sa kanilang pag-aari. Kung paano iniutos ng PANGINOON kay Moises, ay gayon ang ginawa ng mga anak ni Israel, at kanilang ipinamahagi ang lupain. Nang magkagayo'y lumapit ang mga anak ni Juda kay Josue sa Gilgal; at sinabi sa kanya ni Caleb na anak ni Jefone na Kenizeo, "Nalalaman ninyo ang sinabi ng PANGINOON kay Moises, na tao ng Diyos, tungkol sa akin at tungkol sa iyo sa Kadesh-barnea. Ako'y apatnapung taon nang ako'y suguin ni Moises na lingkod ng PANGINOON mula sa Kadesh-barnea upang lihim na siyasatin ang lupain; at dinalhan ko siya ng ulat na gaya ng nasa aking puso. Subalit pinapanghina ng mga kapatid na kasama ko ang puso ng bayan; ngunit ako'y lubos na sumunod sa PANGINOON kong Diyos. At si Moises ay sumumpa nang araw na iyon, "Tunay na ang lupaing tinuntungan ng iyong paa ay magiging isang pamana sa iyo at sa iyong mga anak magpakailanman, sapagkat lubos kang sumunod sa PANGINOON kong Diyos.' At ngayon, gaya ng kanyang sinabi, iningatan akong buhay ng PANGINOON, nitong apatnapu't limang taon, mula nang panahong sabihin ng PANGINOON ang salitang ito kay Moises, samantalang lumalakad ang Israel sa ilang. Sa araw na ito ako'y walumpu't limang taong gulang na. Gayunma'y malakas pa ako hanggang sa araw na ito na gaya ng araw na suguin ako ni Moises. Kung ano ang lakas ko noon, ay gayon ang lakas ko ngayon sa pakikidigma, at gayundin sa paglabas-pasok. Ngayon nga'y ibigay mo sa akin ang lupaing maburol na ito na sinabi ng PANGINOON nang araw na iyon; sapagkat nabalitaan mo nang araw na iyon kung paanong nariyan ang mga Anakim, na mga lunsod na malalaki at may pader; marahil ay sasamahan ako ng PANGINOON, at maitataboy ko sila na gaya ng sinabi ng PANGINOON." At binasbasan siya ni Josue at kanyang ibinigay ang Hebron kay Caleb na anak ni Jefone, bilang pamana niya. Kaya't ang Hebron ay naging pamana ni Caleb na anak ni Jefone na Kenizeo hanggang sa araw na ito; sapagkat kanyang lubos na sinunod ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel. Ang pangalan ng Hebron nang una ay Kiryat-arba; itong Arba ang pinakadakilang lalaki sa mga Anakim. At ang lupain ay nagpahinga sa pakikidigma. Ang naging lupain ng lipi ng mga anak ni Juda ayon sa kanilang mga angkan ay hanggang sa hangganan ng Edom; hanggang sa ilang ng Zin sa kadulu-duluhang bahagi ng timog. Ang kanilang hangganan sa timog ay mula sa kadulu-duluhang bahagi ng Dagat na Alat, mula sa look na nakaharap sa timog. Ito'y papalabas sa dakong timog paakyat sa Acrabim, at patuloy sa Zin at paakyat sa timog ng Kadesh-barnea, at patuloy sa Hesron, at paakyat sa Adar, at paliko sa Carca; at patuloy sa Azmon, at papalabas sa batis ng Ehipto, at ang mga labasan ng hangganan ay sa dagat: ito ang inyong magiging hangganan sa timog. Ang hangganan sa silangan ay ang Dagat na Alat, hanggang sa bunganga ng Jordan. At ang hangganan sa hilaga ay mula sa look ng dagat na nasa bunganga ng Jordan: at paakyat hanggang sa Bet-hogla, at patuloy sa hilaga ng Bet-araba; at ang hangganan ay paakyat sa bato ni Bohan na anak ni Ruben. Ang hangganan ay paakyat sa Debir mula sa libis ng Acor, hanggang sa hilagang paharap sa dakong Gilgal, na nasa tapat ng paakyat sa Adumim, na nasa timog ng ilog: at ang hangganan ay patuloy sa tubig ng En-shemes, at ang mga labasan niyon ay sa En-rogel. Ang hangganan ay paakyat sa libis ng anak ni Hinom hanggang sa Jebuseo sa timog (na siya ring Jerusalem): at ang hangganan ay paakyat sa taluktok ng bundok na naroroon sa harapan ng libis ng Hinom sa kanluran na nasa kaduludu-luhang bahagi ng libis ng Refaim sa hilaga. Ang hangganan ay umaabot mula sa taluktok ng bundok hanggang sa bukal ng tubig ng Neftoa, at papalabas sa mga lunsod ng bundok ng Efron, at ang hangganan ay umaabot sa Baala (na siya ring Kiryat-jearim). Ang hangganan ay paikot mula sa Baala sa kanluran hanggang sa bundok ng Seir, at patuloy sa tabi ng bundok Jearim sa hilaga (na siya ring Chesalon), at pababa sa Bet-shemes at patuloy sa Timna. Ang hangganan ay papalabas sa tagiliran ng Ekron sa hilaga; at ang hangganan ay umaabot sa Siceron, at patuloy sa bundok ng Baala, at papalabas sa Jabneel; at ang mga labasan ng hangganan ay sa dagat. Ang hangganan sa kanluran ay ang Malaking Dagat, at ang baybayin nito. Ito ang hangganan ng mga anak ni Juda sa palibot, ayon sa kanilang mga angkan. Ayon sa kautusan ng Panginoon kay Josue, ay nagbigay siya kay Caleb na anak ni Jefone ng isang bahagi sa gitna ng mga anak ni Juda, samakatuwid ay ang Kiryat-arba, na siya ring Hebron, (si Arba ay naging ama ni Anak). Pinalayas ni Caleb mula roon ang tatlong mga anak na lalaki ni Anak: sina Sesai, Ahiman, at Talmai, na mga anak ni Anak. Siya'y umakyat mula roon laban sa mga taga-Debir: ang pangalan ng Debir nang una ay Kiryat-sefer. At sinabi ni Caleb, "Ang sinumang makatalo sa Kiryat-sefer at sakupin ito, sa kanya ay ibibigay ko bilang asawa si Acsa na aking anak na babae." Sinakop ito ni Otniel na anak ni Kenaz, na kapatid ni Caleb; at ibinigay niya sa kanya bilang asawa si Acsa na kanyang anak na babae. Nang si Acsa ay dumating sa kanya, kanyang hinimok siya na humingi sa kanyang ama ng isang parang; at siya'y bumaba sa kanyang asno at sinabi ni Caleb sa kanya, "Anong ibig mo?" At kanyang sinabi, "Bigyan mo ako ng handog; yamang inilagay mo ako sa lupain ng Negeb ay bigyan mo rin ako ng mga bukal ng tubig." At ibinigay ni Caleb sa kanya ang mga bukal sa itaas at ang mga bukal sa ibaba. Ito ang naging pamana sa lipi ng mga anak ni Juda ayon sa kanilang mga angkan. Ang mga kadulu-duluhang lunsod ng lipi ng mga anak ni Juda sa timog sa hangganan ng Edom ay ang Kabzeel, Eder, Jagur, Cina, Dimona, Adada, Kedes, Hazor, Itnan, Zif, Telem, Bealot, Hazor-hadata, Kiryot-hesron (na siya ring Hazor), Amam, Shema, Molada, Hazar-gada, Hesmon, Bet-pelet, Hazar-shual, Beer-seba, Bizotia, Baala, Iim, Ezem, Eltolad, Cesil, Horma, Siclag, Madmana, Sansana, Lebaot, Silim, Ain, at Rimon: lahat ng mga lunsod ay dalawampu't siyam, pati ang mga nayon ng mga iyon. Sa mababang lupain: Estaol, Sora, Asena, Zanoa, En-ganim, Tapua, Enam, Jarmut, Adullam, Socoh, Azeka, Saaraim, Aditaim, Gedera, Ge-derotaim; labing-apat na lunsod pati ang kanilang mga nayon. Senan, Hadasha, Migdal-gad; Dilan, Mizpe, Jokteel, Lakish, Boscat, Eglon, Cabon, Lamas, Citlis; Gederot, Bet-dagon, Naama at Makeda: labing-anim na bayan at ang kanilang mga nayon. Libna, Eter, Asan, Jifta, Asna, Nesib, Keila, Aczib, at Maresha; siyam na lunsod at ang kanilang mga nayon. Ekron at ang kanyang mga bayan at mga nayon, mula sa Ekron hanggang sa dagat, lahat na nasa gilid ng Asdod at ang kanilang mga nayon. Asdod, at ang kanyang mga bayan at mga nayon. Gaza, at ang kanyang mga bayan at mga nayon, hanggang sa batis ng Ehipto, at ang Malaking Dagat at ang kanyang baybayin. Sa lupaing maburol, Samir, Jatir, Socoh, Dana, Kiryat-sana (na siyang Debir), Anab, Estemoa, Anim; Goshen, Holon, at Gilo: labing-isang lunsod at ang kanilang mga nayon, Arab, Duma, Eshan, Janum, Bet-tapua, Afeca; Humta, Kiryat-arba (na siyang Hebron), at Sior; siyam na lunsod at ang kanilang mga nayon. Maon, Carmel, Zif, Juta, Jezreel, Jocdeam, Zanoa, Cain, Gibeah, at Timna: sampung lunsod at ang kanilang mga nayon. Halhul, Bet-zur at Gedor, Maarath, Bet-anot, at Eltecon; anim na lunsod at ang kanilang mga nayon. Kiryat-baal (na siyang Kiryat-jearim), at Rabba: dalawang lunsod at ang kanilang mga nayon. Sa ilang; Bet-araba, Midin, Secaca; Nibsan, at ang Bayan ng Asin, at En-gedi: anim na lunsod at ang kanilang mga nayon. Ngunit ang mga Jebuseo na naninirahan sa Jerusalem ay hindi napalayas ng mga anak ni Juda; kaya't ang mga Jebuseo ay nanirahang kasama ng mga anak ni Juda sa Jerusalem hanggang sa araw na ito. Ang kabahagi ng mga anak ni Jose ay mula sa Jordan sa Jerico, sa silangan ng mga tubig ng Jerico, hanggang sa ilang na paakyat sa Jerico at patuloy sa lupaing maburol hanggang sa Bethel; at papalabas mula sa Bethel na patungo sa Luz at patuloy sa nasasakupan ng mga Archita na patungo sa Atarot; at pababa sa kanluran sa nasasakupan ng mga Jafleto, hanggang sa nasasakupan ng Bet-horon sa ibaba, hanggang sa Gezer: at ang mga labasan nito ay sa dagat. Tinanggap ng mga anak ni Jose, Manases at Efraim ang kanilang mana. Ang nasasakupan ng mga anak ni Efraim ayon sa kanilang mga angkan ay ito: ang hangganan ng kanilang mana sa silangan ay Atarot-adar, hanggang sa Bet-horon sa itaas. Ang hangganan ay palabas sa kanluran sa Micmetat, sa hilaga; at ang hangganan ay paliko sa silangan hanggang sa Tanat-silo at patuloy sa silangan ng Janoa; at pababa mula sa Janoa na patungo sa Atarot at sa Naara, at abot hanggang sa Jerico, at papalabas sa Jordan. Mula sa Tapua ay patuloy ang hangganan sa kanluran sa batis ng Cana; at ang labasan niyon ay sa dagat. Ito ang mana ng lipi ng mga anak ni Efraim ayon sa kanilang mga angkan, pati ang mga bayang ibinukod sa mga anak ni Efraim sa gitna ng pamana sa mga anak ni Manases, lahat ng mga bayan kabilang ang kanilang mga nayon. Gayunma'y hindi nila pinalayas ang mga Cananeo na naninirahan sa Gezer, kaya't ang mga Cananeo ay nanirahan sa gitna ng Efraim hanggang sa araw na ito, ngunit naging mga aliping sapilitang pinagagawa. At binigyan ng kabahagi ang lipi ni Manases, sapagkat siya ang panganay ni Jose. Kay Makir na panganay ni Manases, na ama ni Gilead ay ang Gilead at ang Basan, sapagkat siya'y lalaking mandirigma. Binigyan din ng kabahagi ang iba pang mga anak ni Manases ayon sa kanilang mga angkan: sina Abiezer, Helec, at Asriel, Shekem, Hefer, at Semida; ang mga ito ang mga anak na lalaki ni Manases na anak ni Jose, ayon sa kanilang mga angkan. Ngunit si Zelofehad na anak ni Hefer, na anak ni Gilead na anak ni Makir, na anak ni Manases, ay hindi nagkaroon ng mga anak na lalaki kundi mga babae; ito ang mga pangalan ng kanyang mga anak: Mahla, Noa, Hogla, Milca, at Tirsa. Sila'y lumapit sa harapan ng paring si Eleazar at sa harapan ni Josue na anak ni Nun, at sa harapan ng mga pinuno at sinabi, "Iniutos ng PANGINOON kay Moises na bigyan kami ng pamana kasama ng aming mga kapatid na lalaki," kaya't ayon sa utos ng PANGINOON ay kanyang binigyan sila ng pamana kasama ng mga kapatid ng kanilang ama. Kaya't napabigay ang sampung bahagi kay Manases, bukod sa lupain ng Gilead at ang Basan, na nasa kabila ng Jordan; sapagkat ang mga anak na babae ni Manases ay tumanggap ng pamana kasama ng kanyang mga anak na lalaki; at ang lupain ng Gilead ay ibinahagi sa iba pang mga anak ni Manases. Ang nasasakupan ng Manases ay mula sa Aser hanggang sa Micmetat, na nasa tapat ng Shekem; at ang hangganan ay patuloy sa kanan, hanggang sa mga taga-En-tapua. Ang lupain ng Tapua ay para kay Manases; ngunit ang bayan ng Tappua sa hangganan ng Manases ay para sa mga anak ni Efraim. Ang hangganan ay pababa hanggang sa batis ng Cana, na dakong timog ng batis; ang mga bayang ito ay para kay Efraim sa gitna ng mga bayan ng Manases at ang hangganan ng Manases ay nasa dakong hilaga ng batis, at ang labasan ay sa dagat; Ang dakong timog ay kay Efraim, at ang dakong hilaga ay kay Manases, at ang dagat ay hangganan niyon; hanggang sa Aser sa hilaga at sa Isacar sa silangan. Sa loob ng lupain nina Isacar at Aser ay napabigay ang Bet-shan at ang mga nayon niyon kay Manases at ang Ibleam at ang mga nayon niyon, at ang mga taga-Dor at ang mga nayon niyon, at ang mga taga-Endor at ang mga nayon niyon, at ang mga taga-Taanac at ang mga nayon niyon, at ang mga taga-Megido, at ang mga nayon niyon, at ang ikatlo ay Nafat. Gayunma'y hindi maangkin ng mga anak ni Manases ang mga bayang iyon; kundi ang mga Cananeo ay nagpilit na manirahan sa lupain. Ngunit nang ang mga anak ni Israel ay lumakas, kanilang inilagay ang mga Cananeo sa sapilitang paggawa ngunit hindi nila lubos na pinalayas. Ang mga anak ni Jose ay nagsalita kay Josue, "Bakit ang ibinigay mo sa akin bilang pamana ay isa lamang lote at isang bahagi, bagaman ako'y isang malaking sambayanan, sapagkat pinagpala ako hanggang ngayon ng PANGINOON?" At sinabi ni Josue sa kanila, "Kung ikaw ay isang malaking bayan, umahon ka sa gubat, at doon ay magbukas ka ng lupain para sa iyong sarili sa lupain ng mga Perezeo at ng mga Refaim; yamang ang lupaing maburol ng Efraim ay makipot para sa iyo. Sinabi naman ng mga anak ni Jose, "Ang lupaing maburol ay hindi sapat para sa amin; at ang lahat ng mga Cananeo na naninirahan sa lupain ng libis, ang mga naninirahan sa Bet-shan at sa mga nayon niyon, gayundin ang mga nasa libis ng Jez-reel ay may mga karwaheng bakal." At sinabi ni Josue sa sambahayan ni Jose, ni Efraim at ni Manases, "Ikaw ay malaking bayan, at may dakilang kapangyarihan; hindi marapat sa iyo ang isang bahagi lamang; kundi ang lupaing maburol ay magiging iyo. Bagaman isang gubat, ito ay mahahawan ninyo at maaangkin hanggang sa kanyang pinakadulong hangganan. Mapapalayas mo ang mga Cananeo, bagaman sila'y may mga karwaheng bakal, at bagaman sila'y malalakas." Kaya't ang buong kapulungan ng mga anak ni Israel ay nagtipun-tipon sa Shilo, at doon ay itinayo ang toldang tipanan. Ang lupain ay napasailalim sa kanilang pangangasiwa. May nalalabi pang pitong lipi sa mga anak ni Israel na hindi pa nababahaginan ng kanilang pamana. At sinabi ni Josue sa mga anak ni Israel, "Hanggang kailan kayo magpapakatamad na pasukin ang lupaing ibinigay sa inyo ng PANGINOON, ng Diyos ng inyong mga ninuno? Magbigay kayo ng tatlong lalaki sa bawat lipi; sila'y aking susuguin upang pasimulan nilang pasukin ang lupain, at ito ay iginuguhit ayon sa kanilang pamana, pagkatapos sila'y babalik sa akin. Hahatiin nila iyon sa pitong bahagi: at ang Juda ay mananatili sa kanyang nasasakupan sa timog, at ang sambahayan ni Jose ay sa kanilang nasasakupan sa hilaga. Inyong iguguhit ang lupain sa pitong bahagi, at inyong dadalhin ang pagkaguhit dito sa akin at magpapalabunutan para sa inyo sa harap ng PANGINOON nating Diyos. Ang mga Levita ay walang bahagi sa gitna ninyo sapagkat ang pagkapari sa PANGINOON ay siyang pamana para sa kanila; ang Gad, at ang Ruben at ang kalahating lipi ni Manases ay tumanggap na ng kanilang pamana sa kabila ng Jordan na dakong silangan, na ibinigay sa kanila ni Moises na lingkod ng PANGINOON." At ang mga lalaki ay nagsimula na sa kanilang lakad at ibinilin ni Josue sa mga humayo na iguhit ang lupain, "Libutin ninyo ang buong lupain. Iguhit ninyo at bumalik kayo sa akin at magpapalabunutan para sa inyo sa harap ng PANGINOON sa Shilo." Kaya't ang mga lalaki ay humayo at lumibot sa lupain, at hinati sa pito ang mga bayan. Pagkatapos na maiguhit ito sa isang aklat, sila'y bumalik kay Josue sa kampo sa Shilo. At ginawa ni Josue ang palabunutan para sa kanila sa Shilo sa harap ng PANGINOON; at doon ay binahagi ni Josue ang lupain sa mga anak ni Israel ayon sa kanilang mga bahagi. Ang lupain ng lipi ng mga anak ni Benjamin ay lumabas ayon sa kanilang mga angkan, at ang lupaing napatapat dito ay nasa pagitan ng lipi ni Juda at ng lipi ni Jose. Ang kanilang hangganan sa hilaga ay mula sa Jordan; at ang hangganan ay paakyat sa hilaga ng Jerico, at paakyat sa lupaing maburol sa kanluran, at ang dulo nito ay sa ilang ng Bet-haven. Mula roon, ang hangganan ay patuloy hanggang sa Luz, sa tabi ng Luz (na siyang Bethel), sa timog, at ang hangganan ay pababa sa Atarot-adar, sa tabi ng bundok na nasa timog ng Bet-horon sa ibaba. At ang hangganan ay patuloy at paliko sa kanluran sa dakong timog mula sa bundok na nakalatag sa harap ng Bet-horon, at ang mga dulo niyon ay sa Kiryat-baal (na siyang Kiryat-jearim), na lunsod ng mga anak ni Juda; ito ang bahaging kanluran. Ang bahaging timog ay mula sa dakong labas ng Kiryat-jearim at ang hangganan ay palabas sa kanluran, at palabas sa bukal ng tubig ng Neftoa: Ang hangganan ay pababa sa gilid ng bundok na nakalatag sa harap ng libis ng anak ni Hinom, na nasa libis ng Refaim sa hilaga; at pababa sa libis ni Hinom, sa gawing timog, sa tabi ng mga Jebuseo at pababa sa En-rogel; at paliko sa hilaga at palabas sa En-shemes, at palabas sa Gelilot na nasa tapat ng paakyat sa Adumim; at pababa sa bato ng Bohan na anak ni Ruben, at patuloy hanggang sa hilaga sa tagiliran ng Araba at ito ay pababa sa Araba; Ang hangganan ay patuloy sa hilaga ng Bet-hogla. Ang hangganan ay nagtatapos sa hilagang look ng Dagat na Alat, sa dulong timog ng Jordan; ito ang hangganan sa timog. Ang hangganan ng Jordan ay sa bahaging silangan. Ito ang pamana sa mga lipi ni Benjamin ayon sa mga hangganan niyon sa palibot, ayon sa kanilang mga angkan. Ang mga lunsod ng lipi ng mga anak ni Benjamin ayon sa kanilang mga angkan ay ang Jerico, Bet-hogla, Emec-casis, Bet-araba, Samaraim, Bethel, Avim, Para, Ofra, Cefar-hamonai, Ofni, Geba, labindalawang lunsod at ang mga nayon nito; Gibeon, Rama, Beerot, Mizpe, Cefira, Moza, Rekem, Irpeel, Tarala Zela, Elef, at Jebus (na siyang Jerusalem), Gibeah, at Kiryat-jearim; labing-apat na lunsod pati ang mga nayon nito. Ito ang pamana sa mga anak ni Benjamin ayon sa kanilang mga angkan. Ang ikalawang lupain ay napabigay kay Simeon, sa lipi ng mga anak ni Simeon ayon sa kanilang mga angkan, at ang kanilang pamana ay nasa gitna ng pamana sa lipi ni Juda. At tinanggap nilang pamana ang Beer-seba, Seba, Molada; Hazar-shual, Bala, at Ezem; Eltolad, Betul, Horma; Sidag, Bet-marcabot, Hazar-susa, Bet-lebaot, Saruhen: labintatlong lunsod at ang mga nayon nito; Ain, Rimon, Eter, at Asan, apat na lunsod at mga nayon nito; at ang lahat ng mga nayon na nasa palibot ng mga lunsod na ito hanggang sa Baalat-beer, Rama ng Negeb. Ito ang pamana sa lipi ni Simeon ayon sa kanilang mga angkan. Ang pamana sa lipi ni Simeon ay bahagi ng nasasakupan ng anak ni Juda; sapagkat ang bahagi ng lipi ni Juda ay napakalaki para sa kanila; kaya't ang mga anak ni Simeon ay nagkaroon ng pamana sa loob ng kanilang pamana. At ang ikadong lupain ay napabigay sa mga anak ni Zebulon ayon sa kanilang mga angkan. At ang nasasakupan ng kanilang pamana ay hanggang sa Sarid; at ang kanilang hangganan ay paakyat sa kanluran sa Merala, at abot hanggang sa Dabeset at sa batis na nasa silangan ng Jokneam. Mula sa Sarid, ito ay pabalik sa silangan sa dakong sinisikatan ng araw hanggang sa hangganan ng Cisilot-tabor, at palabas sa Daberat, at paakyat sa Jafia; mula roon ito ay patuloy sa silangan sa Gat-hefer, sa Itkazin; at palabas sa Rimon hanggang sa Nea. Sa hilaga, ang hangganan ay paliko patungo sa Hanaton; at ang dulo nito ay sa libis ng Iftael; at sa Kata, Nahalal, Simron, Idala, Bethlehem: labindalawang lunsod at ang mga nayon nito. Ito ang pamana sa mga anak ni Zebulon ayon sa kanilang mga angkan, ang mga lunsod at ang mga nayon nito. Ang ikaapatna lupain ay napabigay kay Isacar, sa mga anak ni Isacar ayon sa kanilang mga angkan. At ang kanilang nasasakupan ay ang sa Jezreel, Cesulot, Sunem, Hafaraim, Zion, Anaharat, Rabit, Kishion, Ebez, Remet, En-ganim, En-hada, Bet-pazez, at ang hangganan ay hanggang sa Tabor, Sahazuma, at Bet-shemes; at ang mga dulo ng hangganan ng mga iyon ay sa Jordan: labing-anim na lunsod at ang mga nayon nito. Ito ang pamana sa lipi ng mga anak ni Isacar ayon sa kanilang mga angkan, ang mga bayan at mga nayon nito. At ang ikalimang lupain ay napabigay sa lipi ni Aser ayon sa kanilang mga angkan. t ang kanilang nasasakupan ay Helcat, Hali, Beten, Acsaf, Alamelec, Amad, Mishal; hanggang sa Carmel sa kanluran at sa Sihorlibnath; at paliko sa sinisikatan ng araw sa Bet-dagon, hanggang sa Zebulon, at sa libis ng Iftael sa hilaga sa Bet-emec at Nehiel; at papalabas sa Cabul sa kaliwa; Hebron, Rehob, Hamon, Cana, hanggang sa malaking Sidon. Ang hangganan ay paliko sa Rama, at sa bayang nakukutaan ng Tiro; at ang hangganan ay paliko sa Hosa, at ang dulo nito ay sa dagat mula sa lupain ni Aczib; gayundin ang Uma, Afec, at Rehob: dalawampu't dalawang lunsod at ang mga nayon nito. Ito ang pamana sa lipi ni Aser ayon sa kanilang mga angkan, ang mga lunsod at mga nayon nito. Ang ikaanim na lupain ay napabigay sa mga anak ni Neftali ayon sa kanilang mga angkan. At ang hangganan nito ay mula sa Helef, mula sa ensina sa Saananim, at sa Adamineceb, at sa Jabneel, hanggang sa Lacum, at ang dulo niyon ay sa Jordan. Ang hangganan ay paliko sa kanluran sa Aznot-tabor, at papalabas sa Hucuca mula roon; at hanggang sa Zebulon sa timog, at hanggang sa Aser sa kanluran, at sa Juda sa Jordan na dakong sinisikatan ng araw. Ang mga lunsod na may pader ay Siddim, Ser, Hamat, Racat, Cineret, Adama, Rama, Hazor, Kedes, Edrei, En-hazor, Iron, Migdal-el, Horem, Bet-anat, at Bet-shemes: labinsiyam na lunsod at ang mga nayon nito. Ito ang pamana sa lipi ni Neftali ayon sa kanilang mga angkan, ang mga lunsod at ang mga nayon nito. Ang ikapitong lupain ay napabigay sa lipi ni Dan ayon sa kanilang mga angkan. At ang nasasakupan ng kanilang pamana ay Sora, Estaol, Irsemes, Saalabin, Ailon, Jet-la, Elon, Timna, Ekron, Elteke, Gibeton, Baalat, Jehud, Bene-berac, Gat-rimon, Me-jarcon, Raccon at ang hangganan sa tapat ng Joppa. Nang ang nasasakupan ng mga anak ni Dan ay nawala sa kanila, ang mga anak ni Dan ay umahon at lumaban sa Lesem, at pagkatapos sakupin at patayin ng talim ng tabak, ay inangkin nila ito at nanirahan doon at tinawag ito ayon sa pangalan ni Dan na kanilang ama. Ito ang pamana sa lipi ni Dan ayon sa kanilang mga angkan, ang mga lunsod na ito at ang mga nayon nito. Nang kanilang matapos ang pamamahagi ng lupain bilang pamana ayon sa mga hangganan niyon, ay binigyan ng mga anak ni Israel ng pamana si Josue na anak ni Nun sa gitna nila. Ayon sa utos ng PANGINOON ay kanilang ibinigay sa kanya ang lunsod na kanyang hiningi, ang Timnat-sera sa lupaing maburol ng Efraim; at kanyang muling itinayo ang lunsod at nanirahan doon. Ito ang mga pamana na ipinamahagi ng paring si Eleazar at ni Josue na anak ni Nun, at ng mga pinuno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng mga lipi ng mga anak ni Israel bilang pamana, sa pamamagitan ng palabunutan sa Shilo sa harap ng PANGINOON sa pintuan ng toldang tipanan. Gayon nila tinapos ang paghahati-hati sa lupain. At ang PANGINOON ay nagsalita kay Josue, na sinasabi, "Sabihin mo sa mga anak ni Israel, 'Pumili kayo ng lunsod-kanlungan na aking sinabi sa inyo sa pamamagitan ni Moises, upang matakbuhan ng taong nakamatay nang walang balak o hindi sinasadya at magiging kanlungan ninyo laban sa tagapaghiganti sa dugo. Siya'y tatakas patungo sa isa sa mga lunsod na iyon, at tatayo sa pasukan ng pintuan ng lunsod, at ipapaliwanag ang pangyayari sa pandinig ng matatanda sa lunsod na iyon. Kanilang dadalhin siya sa lunsod at kanilang bibigyan siya ng isang lugar upang siya'y manatiling kasama nila. Kung siya'y habulin ng tagapaghiganti sa dugo, hindi nila ibibigay ang nakamatay sa kanyang kamay sapagkat kanyang napatay ang kanyang kapwa nang hindi sinasadya, at hindi niya kinapootan nang nakaraang panahon. Siya'y mananatili sa lunsod na iyon, hanggang sa siya'y tumayo sa harap ng kapulungan upang hatulan, hanggang sa pagkamatay ng pinakapunong pari nang panahong iyon. Kung magkagayo'y uuwi ang nakamatay at babalik sa kanyang sariling bayan, at sa kanyang sariling bahay, sa lunsod na kanyang tinakasan. " Kaya't kanilang ibinukod ang Kedes sa Galilea sa lupaing maburol ng Neftali, at ang Shekem sa lupaing maburol ng Efraim, at ang Kiryat-arba (na siyang Hebron) sa lupaing maburol ng Juda. Sa kabila ng Jordan sa silangan ng Jerico, ay kanyang itinalaga ang Bezer sa ilang sa kapatagan, mula sa lipi ni Ruben, at ang Ramot sa Gilead na mula sa lipi ni Gad, at ang Golan sa Basan na mula sa lipi ni Manases. Ito ang mga itinalagang lunsod sa lahat ng mga anak ni Israel, at sa dayuhang naninirahang kasama nila, na sinumang makamatay ng sinumang tao na hindi sinasadya, ay makakatakas patungo doon upang huwag mapatay ng kamay ng tagapaghiganti sa dugo, hanggang siya'y humarap sa kapulungan. Nang magkagayo'y lumapit ang mga puno ng mga sambahayan ng mga angkan ng mga Levita kay Eleazar na pari, at kay Josue na anak ni Nun at sa mga puno ng mga sambahayan ng mga angkan ng mga lipi ng mga anak ni Israel. At sila'y nagsalita sa kanila sa Shilo, sa lupain ng Canaan, na sinasabi, "Ang PANGINOON ay nag-utos sa pamamagitan ni Moises, na bigyan kami ng mga bayang matitirahan, at mga pastulan para sa aming hayop." Kaya't mula sa kanilang minana ay ibinigay ng mga anak ni Israel sa mga Levita ang mga lunsod na ito pati ang mga pastulan nito, ayon sa utos ng PANGINOON. Ang lupaing para sa mga angkan ng mga Kohatita ay nabunot. Kaya't ang mga Levita na anak ng paring si Aaron ay tumanggap sa pamamagitan ng palabunutan mula sa lipi ni Juda, at sa lipi ni Simeon, at sa lipi ni Benjamin ng labintatlong bayan. Ang nalabi sa mga anak ni Kohat ay tumanggap sa pamamagitan ng palabunutan mula sa mga angkan ng lipi ni Efraim, at mula sa lipi ni Dan, at sa kalahating lipi ni Manases ng sampung bayan. At ang mga anak ni Gershon ay tumanggap sa pamamagitan ng palabunutan mula sa mga angkan ng lipi ni Isacar, at sa lipi ni Aser, at sa lipi ni Neftali, at sa kalahating lipi ni Manases sa Basan ng labintatlong bayan. Ang mga anak ni Merari ayon sa kanilang mga angkan ay tumanggap mula sa lipi ni Ruben, at sa lipi ni Gad, at sa lipi ni Zebulon ng labindalawang lunsod. At ibinigay ng mga anak ni Israel sa mga Levita sa pamamagitan ng palabunutan ang mga lunsod na ito at ang mga pastulan nito, gaya ng iniutos ng PANGINOON sa pamamagitan ni Moises. Mula sa lipi ng mga anak ni Juda, at sa lipi ng mga anak ni Simeon ay kanilang ibinigay ang mga lunsod na ito na nabanggit sa pangalan, na napabigay sa mga anak ni Aaron, sa mga angkan ng mga Kohatita, na mga anak ni Levi; yamang sa kanila ang unang kapalaran. At ibinigay nila sa kanila ang Kiryat-arba, (si Arba ang ama ni Anak,) na siya ring Hebron, sa lupaing maburol ng Juda, pati ang mga pastulan nito sa palibot. Ngunit ang mga parang ng lunsod, at ang mga pastulan, ay ibinigay nila kay Caleb na anak ni Jefone bilang kanyang pag-aari. At sa mga anak ni Aaron na pari ay ibinigay nila ang Hebron, ang lunsod-kanlungan para sa nakamatay at ang mga nayon nito, at ang Iibna pati ang mga pastulan nito; at ang Jatir pati ang mga pastulan nito, at ang Estemoa, pati ang mga pastulan nito; ang Holon pati ang mga pastulan nito, at ang Debir pati ang mga pastulan nito; ang Ain pati ang mga pastulan nito, at ang Juta pati ang mga pastulan nito, at ang Bet-shemes pati ang mga pastulan nito; siyam na lunsod sa dalawang liping iyon. At sa lipi ni Benjamin, ang Gibeon pati ang mga pastulan nito, ang Geba pati ang mga pastulan nito; ang Anatot pati ang mga pastulan nito, at ang Almon pati ang mga pastulan nito; apat na lunsod. Lahat ng mga lunsod ng mga anak ni Aaron na pari ay labintatlong bayan pati ang mga pastulan ng mga iyon. Tinanggap ng mga angkan ng mga anak ni Kohat, na mga Levita, samakatuwid ay ang nalabi sa mga anak ni Kohat, ang mga bayang ibinigay sa kanila ay mula sa lipi ni Efraim. Sa kanila'y ibinigay ang Shekem pati ang mga pastulan sa lupaing maburol ng Efraim, na lunsod-kanlungan para sa nakamatay, at ang Gezer pati ang mga pastulan nito, ang Kibsaim pati ang mga pastulan nito, at ang Bet-horon pati ang mga pastulan nito — apat na bayan. At sa lipi ni Dan, ang Elteke pati ang mga pastulan nito, Gibeton pati ang mga pastulan nito; ang Ailon pati ang mga pastulan nito, ang Gat-rimon pati ang mga pastulan nito — apat na lunsod. At mula sa kalahating lipi ni Manases, ang Taanac pati ang mga pastulan nito; at ang Gat-rimon pati ang mga pastulan nito — dalawang bayan. Lahat ng lunsod sa mga angkan ng nalabi sa mga anak ni Kohat ay sampu pati ang mga pastulan nito. At sa mga anak ni Gershon, isa sa mga angkan ng mga Levita, ay ibinigay ang mula sa kalahating lipi ni Manases, ang Golan sa Basan pati ang mga pastulan nito, ang lunsod-kanlungan para sa nakamatay; at ang Beestera pati ang mga pastulan nito — dalawang lunsod; at mula sa lipi ni Isacar, ang Kishion pati ang mga pastulan nito, ang Daberat pati ang mga pastulan nito; ang Jarmut pati ang mga pastulan nito, ang En-ganim pati ang mga pastulan nito — apat na lunsod, at mula sa lipi ni Aser, ang Mishal pati ang mga pastulan nito, ang Abdon pati ang mga pastulan nito; ang Helcat pati ang mga pastulan nito, ang Rehob pati ang mga pastulan nito — apat na lunsod. At mula sa lipi ni Neftali, ang lunsod-kanlungan na para sa nakamatay, ang Kedes sa Galilea pati ang mga pastulan nito, at ang Hamot-dor pati ang mga pastulan nito, at ang Cartan pati ang mga pastulan nito — tatlong lunsod. Lahat ng lunsod ng mga Gershonita ayon sa kanilang mga angkan ay labintatlong lunsod pati ang mga pastulan ng mga iyon. At para sa mga angkan ng mga anak ni Merari, na nalabi sa mga Levita, sa lipi ni Zebulon, ang Jokneam pati ang mga pastulan nito, at ang Karta pati ang mga pastulan nito, ang Dimna pati ang mga pastulan nito, ang Nahalal pati ang mga pastulan nito — apat na lunsod. Mula naman sa lipi ni Ruben, ang Bezer pati ang mga pastulan nito, at ang Jaza pati ang mga pastulan nito. Ang Kedemot pati ang mga pastulan nito, at ang Mefaat pati ang mga pastulan nito — apat na lunsod. Mula sa lipi ni Gad, ang lunsod-kanlungan para sa nakamatay, ang Ramot sa Gilead pati ang mga pastulan nito, ang Mahanaim pati ang mga pastulan nito; ang Hesbon pati ang mga pastulan nito, at ang Jazer pati ang mga pastulan nito, lahat ay apat na lunsod. Tungkol sa mga lunsod ng ilan sa mga anak ni Merari samakatuwid ay ang nalabi sa mga angkan ng mga Levita, ang ibinigay sa kanila ay labindalawang bayan. Lahat ng lunsod ng mga Levita sa loob ng mga pag-aari ng mga anak ni Israel ay apatnapu't walong bayan pati ang mga pastulan ng mga iyon. Ang mga lunsod na ito ay may kanya-kanyang pastulan sa palibot ng mga iyon, gayundin sa lahat ng mga bayang ito. Kaya't ibinigay ng PANGINOON sa Israel ang lahat ng lupain na kanyang ipinangakong ibibigay sa kanilang mga ninuno; at nang kanilang matanggap ay nanirahan sila doon. At binigyan sila ng PANGINOON ng kapahingahan sa bawat panig, gaya ng kanyang ipinangako sa kanilang mga ninuno, wala ni isa sa lahat ng kanilang mga kaaway ay nagtagumpay sa harap nila; ibinigay ng PANGINOON ang lahat nilang kaaway sa kanilang kamay. Wala ni isa sa lahat ng mabubuting pangako na ginawa ng PANGINOON sa sambahayan ng Israel ang hindi natupad; lahat ay nangyari. Pagkatapos ay tinawag ni Josue ang mga Rubenita, mga Gadita, at ang kalahating lipi ni Manases, at sinabi sa kanila, "Inyong iningatan ang lahat na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng PANGINOON, at inyong pinakinggan ang aking tinig sa lahat ng aking iniutos sa inyo; hindi ninyo pinabayaan nitong maraming araw ang inyong mga kapatid hanggang sa araw na ito, kundi inyong iningatan ang tagubilin ng PANGINOON ninyong Diyos. At ngayo'y binigyan ng PANGINOON ninyong Diyos ng kapahingahan ang inyong mga kapatid, gaya ng ipinangako niya sa kanila. Kaya't ngayo'y bumalik kayo at humayo sa inyong mga tolda sa lupaing kinaroroonan ng inyong ari-arian na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng PANGINOON sa kabila ng Jordan. Maingat ninyong gawin ang utos at batas na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng PANGINOON, na ibigin ang PANGINOON ninyong Diyos, at lumakad sa lahat niyang mga daan, at ingatan ang kanyang mga utos, manatili at maglingkod sa kanya nang inyong buong puso at kaluluwa." Kaya't binasbasan sila ni Josue at pinahayo sila at sila'y umuwi sa kanilang mga tolda. Sa kalahating lipi ni Manases ay nagbigay si Moises ng pag-aari sa Basan; ngunit ang kalahating lipi ay binigyan ni Josue ng pag-aari kasama ng kanilang mga kapatid sa kabila ng Jordan sa dakong kanluran. Bukod dito'y, binasbasan sila ni Josue nang kanyang pauwiin sila sa kanilang mga tolda, at sinabi sa kanila, "Kayo'y bumalik sa inyong mga tolda na may maraming kayamanan, maraming hayop, pilak, ginto, tanso, bakal, at maraming kasuotan. Hatiin ninyo sa inyong mga kapatid ang nasamsam mula sa inyong mga kaaway." Kaya't ang mga anak nina Ruben, Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay bumalik at humiwalay sa mga anak ni Israel sa Shilo, na nasa lupain ng Canaan, upang pumunta sa lupain ng Gilead, ang kanilang lupain na kanilang naging pag-aari, ayon sa utos ng PANGINOON sa pamamagitan ni Moises. Nang sila'y dumating malapit sa lupain ng Jordan, na nasa lupain ng Canaan, ang mga anak nina Ruben, Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay nagtayo roon ng isang napakalaking dambana sa tabi ng Jordan. At narinig ng mga anak ni Israel, na sinabi, "Tingnan ninyo, ang mga anak nina Ruben, Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay nagtayo ng isang dambana sa tapat ng lupain ng Canaan, sa bahaging pag-aari ng mga anak ni Israel sa lupain ng Jordan." Nang ito ay marinig ng mga anak ni Israel, ang buong kapulungan ay nagtipon sa Shilo upang makipagdigma laban sa kanila. At sinugo ng mga anak ni Israel sa mga anak nina Ruben, Gad, at sa kalahating lipi ni Manases, sa lupain ng Gilead, si Finehas na anak ng paring si Eleazar. Kasama niya ay sampung pinuno, isang pinuno sa bawat sambahayan ng mga magulang sa bawat isa sa mga lipi ng Israel; at bawat isa sa kanila'y pinuno ng mga sambahayan ng kanilang mga magulang sa mga angkan ng Israel. At sila'y dumating sa mga anak nina Ruben, Gad, at sa kalahating lipi ni Manases sa lupain ng Gilead, at sinabi nila sa kanila, "Ganito ang sinabi ng buong kapulungan ng PANGINOON, 'Anong kataksilan itong inyong ginawa laban sa Diyos ng Israel sa pagtalikod sa araw na ito mula sa pagsunod sa PANGINOON, sa pamamagitan ng inyong pagtatayo ng isang dambana bilang paghihimagsik laban sa PANGINOON? Hindi pa ba sapat ang kasalanan sa Peor na kung saan ay hindi pa natin nalilinis ang ating mga sarili, kaya't dumating ang salot sa kapulungan ng PANGINOON, upang kayo'y humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa PANGINOON? At kung kayo'y maghihimagsik ngayon laban sa PANGINOON ay magagalit siya bukas sa buong kapulungan ng Israel. Gayunman, kung ang inyong lupain ay marumi, dumaan kayo sa lupain ng PANGINOON, na kinatatayuan ng tabernakulo ng PANGINOON at kumuha kayo ng pag-aari kasama namin; huwag lamang kayong maghihimagsik laban sa PANGINOON, o gawin kaming mga manghihimagsik sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang dambana bukod sa dambana ng PANGINOON nating Diyos. Hindi ba't si Acan na anak ni Zera ay nagtaksil tungkol sa itinalagang bagay, at ang poot ay bumagsak sa buong kapulungan ng Israel? Ang taong iyon ay namatay na hindi nag-iisa dahil sa kanyang kasamaan.'" Nang magkagayo'y sumagot ang mga anak nina Ruben, Gad, at ang kalahating lipi ni Manases, at nagsalita sa mga pinuno ng mga sambahayan ng Israel. "Ang Makapangyarihan, ang Diyos, ang PANGINOON! Ang Makapangyarihan, ang Diyos, ang PANGINOON! Nalalaman niya; at hayaang malaman ng Israel! Kung paghihimagsik nga o kataksilan sa PANGINOON, huwag mo kaming iligtas sa araw na ito, sa pagtatayo namin ng isang dambana upang humiwalay sa pagsunod sa PANGINOON; o kung aming ginawa upang paghandugan ng mga handog na sinusunog o handog na butil o handog pangkapayapaan, ay mismong ang PANGINOON ang maghihiganti. Hindi, kundi ginawa namin iyon dahil sa takot na sa darating na panahon ay sasabihin ng inyong mga anak, 'Anong pakialam ninyo sa PANGINOON, sa Diyos ng Israel? Sapagkat ginawang hangganan ng PANGINOON ang Jordan sa pagitan namin at ninyo, ninyong mga anak nina Ruben at Gad; kayo'y walang bahagi sa PANGINOON.' Kaya't patitigilin ng inyong mga anak ang aming mga anak sa pagsamba sa PANGINOON. Kaya't aming sinabi, 'Magtayo tayo ngayon ng isang dambana, hindi para sa handog na sinusunog, ni dahil sa alay man, kundi magiging saksi sa pagitan namin at ninyo, at sa pagitan ng ating mga lahi pagkamatay natin, upang aming magawa ang paglilingkod sa PANGINOON sa harap niya sa pamamagitan ng aming mga handog na sinusunog, alay, at mga handog pangkapayapaan; baka sabihin ng inyong mga anak sa aming mga anak sa panahong darating, "Kayo'y walang bahagi sa PANGINOON." ' At inakala namin, kapag ito ay sinabi sa amin o sa aming mga anak sa panahong darating, ay aming sasabihin, Tingnan ninyo ang anyo ng dambana ng PANGINOON na ginawa ng aming mga ninuno, hindi para sa handog na sinusunog, ni sa alay, kundi isang saksi sa pagitan namin at ninyo.' Huwag nawang mangyari sa amin na kami ay maghimagsik laban sa PANGINOON, at humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa PANGINOON sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang dambana para sa handog na sinusunog, handog na butil, o alay na hindi sa dambana ng PANGINOON nating Diyos na nakatayo sa harap ng kanyang tabernakulo." Nang marinig ng paring si Finehas, at ng mga pinuno ng kapulungan ng mga puno ng mga angkan ng Israel na kasama niya ang mga sinabi ng mga anak nina Ruben, Gad, at Manases, sila ay nasiyahan. Sinabi ni Finehas na anak ng paring si Eleazar sa mga anak nina Ruben, Gad, at sa mga anak ni Manases, "Sa araw na ito ay nalalaman namin na ang PANGINOON ay kasama natin, sapagkat kayo'y hindi nagkasala ng kataksilang ito laban sa PANGINOON. Ngayo'y inyong iniligtas ang mga anak ni Israel mula sa kamay ng PANGINOON." At si Finehas na anak ng paring si Eleazar at ang mga pinuno ay bumalik mula sa mga anak nina Ruben at Gad sa lupain ng Gilead, at nagtungo sa lupain ng Canaan, sa sambayanan ng Israel, at sila ay dinalhan nila ng balita. Ang ulat ay ikinatuwa ng mga anak ni Israel; at pinuri ng mga anak ni Israel ang Diyos at hindi na nagsalita pa ng pakikidigma laban sa kanila, na wasakin ang lupaing tinitirhan ng mga anak ni Ruben at mga anak ni Gad. Ang dambana ay tinawag na Saksi ng mga anak ni Ruben at ng mga anak ni Gad: "Sapagkat," wika nila, "ito ay saksi sa pagitan natin na ang PANGINOON ay Diyos." At nangyari, pagkaraan ng maraming araw, nang mabigyan ng PANGINOON ng kapahingahan ang Israel sa lahat nilang mga kaaway sa palibot, at si Josue ay matanda na at puspos na ng mga taon, ay tinawag ni Josue ang buong Israel, ang kanilang matatanda, mga pinuno, mga hukom, at ang kanilang mga tagapamahala, at sinabi sa kanila, "Ako'y matanda na at puspos na ng mga taon. Inyong nakita ang lahat ng ginawa ng PANGINOON ninyong Diyos sa lahat ng bansang ito para sa inyo; sapagkat lumaban ang PANGINOON ninyong Diyos para sa inyo. Narito, aking itinatakda sa inyo bilang pamana sa inyong mga lipi ang mga bansang nalalabi pati ang mga bansang aking inihiwalay, mula sa Jordan hanggang sa Malaking Dagat sa kanluran. Itataboy sila ng PANGINOON ninyong Diyos mula sa harapan ninyo, at palalayasin sila sa inyong paningin, at inyong aangkinin ang kanilang lupain na gaya ng ipinangako ng PANGINOON ninyong Diyos sa inyo. Kaya't kayo'y magpakatatag na mabuti at maingat na gawin ang lahat na nakasulat sa aklat ng kautusan ni Moises, at huwag kayong lumiko sa kanan o sa kaliwa; huwag kayong makihalo sa mga bansang ito na nalalabi sa gitna ninyo; huwag din ninyong banggitin ang mga pangalan ng kanilang mga diyos, ni susumpa sa pamamagitan nila, ni maglilingkod o yuyukod sa mga iyon; kundi humawak kayo sa PANGINOON ninyong Diyos na gaya ng inyong ginawa hanggang sa araw na ito. Sapagkat pinalayas ng PANGINOON sa harapan ninyo ang malalaki at malalakas na bansa; at tungkol sa inyo, ay walang tao na nakatagal sa harapan ninyo hanggang sa araw na ito. Magagawa ng isa sa inyo na mapatakbo ang isanlibo sapagkat ang PANGINOON ninyong Diyos ang nakikipaglaban para sa inyo, gaya ng.ipinangako niya sa inyo. Kaya't ingatan ninyo ang inyong sarili, ibigin ninyo ang PANGINOON ninyong Diyos. Sapagkat kapag kayo'y tumalikod at sumanib sa nalabi sa mga bansang ito na naiwan sa gitna ninyo, at kayo'y nagsipag-asawa sa kanilang mga kababaihan, at sila sa inyo, ay alamin ninyong lubos na hindi patuloy na palalayasin ng PANGINOON ninyong Diyos ang mga bansang ito sa inyong paningin, kundi sila'y magiging silo at bitag sa inyo, isang panghampas sa inyong tagiliran at mga tinik sa inyong mga mata hanggang sa kayo'y mapuksa dito sa mabuting lupain na ibinigay sa inyo ng PANGINOON ninyong Diyos. "At ngayon, sa araw na ito ay malapit na akong humayo sa lakad ng buong lupa, at nalalaman ninyo sa inyong mga puso at kaluluwa na walang bagay na nagkulang sa lahat na mga mabuting bagay na ipinangako ng PANGINOON ninyong Diyos tungkol sa inyo; lahat ay nangyari sa inyo, wala kahit isang bagay na nagkulang. Kaya't kung paanong ang lahat ng mga mabuting bagay na ipinangako ng PANGINOON ninyong Diyos ay nangyari sa inyo, ay gayundin dadalhin ng PANGINOON sa inyo ang lahat ng masasamang bagay, hanggang sa kayo'y mapuksa niya dito sa mabuting lupain na ibinigay sa inyo ng PANGINOON ninyong Diyos. Kapag sinuway ninyo ang tipan ng PANGINOON ninyong Diyos na kanyang iniutos sa inyo, at humayo at naglingkod sa ibang mga diyos at yumukod sa mga iyon, ang galit ng PANGINOON ay mag-iinit laban sa inyo, at kayo'y kaagad na mapupuksa sa mabuting lupain na kanyang ibinigay sa inyo." Tinipon ni Josue ang lahat ng mga lipi ng Israel sa Shekem, at tinawag ang matatanda ng Israel at ang kanilang mga pinuno, mga hukom, mga tagapamahala; at sila'y humarap sa Diyos. Sinabi ni Josue sa buong bayan, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng Israel, 'Ang inyong mga ninuno ay nanirahan nang unang panahon sa kabila ng Ilog, si Terah, na ama ni Abraham at ama ni Nahor, at sila'y naglingkod sa ibang mga diyos. Kinuha ko ang inyong amang si Abraham mula sa kabila ng Ilog at pinatnubayan ko siya sa buong lupain ng Canaan, at pinarami ko ang kanyang binhi at ibinigay ko sa kanya si Isaac. Kay Isaac ay ibinigay ko sina Jacob at Esau; at ibinigay ko kay Esau ang bundok ng Seir upang angkinin; at si Jacob at ang kanyang mga anak ay lumusong sa Ehipto. Sinugoko sina Moises at Aaron at sinalot ko ang Ehipto sa pamamagitan ng aking ginawa sa gitna niyon; at pagkatapos ay inilabas ko kayo. At inilabas ko ang inyong mga ninuno sa Ehipto, at kayo'y dumating sa dagat. Hinabol ng mga karwahe at ng mga mangangabayo ng mga Ehipcio ang inyong mga ninuno hanggang sa Dagat na Pula. At nang sila'y tumangis sa PANGINOON, nilagyan niya ng kadiliman ang pagitan ninyo at ang mga Ehipcio, at itinabon ang dagat sa kanila at tinakpan sila. Nakita ng inyong mga mata kung ano ang aking ginawa sa Ehipto at kayo'y nanirahan sa ilang nang matagal na panahon. Pagkatapos ay dinala ko kayo sa lupain ng mga Amoreo na naninirahan sa kabila ng Jordan, at sila'y nakipaglaban sa inyo. Ibinigay ko sila sa inyong kamay, at inyong inangkin ang kanilang lupain at nilipol ko sila saharapan ninyo. Nang magkagayo'y tumindig si Balak na anak ni Zipor, na hari ng Moab, at nilabanan ang Israel; at siya'y nagsugo at inanyayahan si Balaam na anak ni Beor upang sumpain kayo. Ngunit hindi ko pinakinggan si Balaam; kaya't binasbasan niya kayo. Gayon ko kayo iniligtas sa kanyang kamay. Nang kayo'y tumawid sa Jordan at dumating sa Jerico, ang mga tao sa Jerico ay nakipaglaban sa inyo, gayundin ang mga Amoreo, Perezeo, Cananeo, Heteo, Gergeseo, Heveo, at ang mga Jebuseo; at ibinigay ko sila sa inyong kamay. Sinugo ko ang malalaking putakti sa unahan ninyo na sa harapan ninyo ay itinaboy ang dalawang hari ng mga Amoreo, iyon ay hindi sa pamamagitan ng inyong tabak, ni ng inyong pana. At aking binigyan kayo ng lupain na hindi ninyo pinagpaguran at ng mga lunsod na hindi ninyo itinayo, at ang mga iyon ay inyong tinatahanan. Kayo'y kumakain ng bunga ng mga ubasan at olibo na hindi ninyo itinanim.' "Ngayon nga'y matakot kayo sa PANGINOON, at paglingkuran ninyo siya sa katapatan at sa katotohanan. Alisin ninyo ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa kabila ng Ilog at sa Ehipto, at inyong paglingkuran ang PANGINOON. Ngayon kung ayaw ninyong maglingkod sa PANGINOON, ay piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; kung ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa kabila ng Ilog, o ang mga diyos ng mga Amoreo na ang lupain nila ay inyong tinitirahan; ngunit sa ganang akin at sa aking sambahayan, kami ay maglilingkod sa PANGINOON." At ang taong-bayan ay sumagot, "Malayo nawa sa amin na aming pabayaan ang PANGINOON upang maglingkod sa ibang mga diyos. Sapagkat ang PANGINOON nating Diyos ang nagdala sa atin at sa ating mga ninuno mula sa lupain ng Ehipto, papalabas sa bahay ng pagkaalipin, at siyang gumawa ng mga dakilang tandang iyon sa ating paningin, at iningatan tayo sa lahat ng daan na ating pinuntahan, at sa gitna ng lahat ng mga bayan na ating dinaanan. Itinaboy ng PANGINOON sa harapan natin ang lahat ng mga bayan, ang mga Amoreo na naninirahan sa lupain. Dahil dito kami ay maglilingkod din sa PANGINOON sapagkat siya'y ating Diyos." Subalit sinabi ni Josue sa bayan, "Kayo'y hindi makakapaglingkod sa PANGINOON sapagkat siya'y isang banal na Diyos; siya'y Diyos na mapanibughuin; hindi niya ipatatawad ang inyong pagsuway ni ang inyong mga kasalanan. Kapag inyong tinalikuran ang PANGINOON at naglingkod sa ibang mga diyos, siya ay hihiwalay at kayo ay sasaktan at lilipulin, pagkatapos na kanyang gawan kayo ng mabuti." At sinabi ng bayan kay Josue, "Hindi; kundi kami ay maglilingkod sa PANGINOON." At sinabi ni Josue sa bayan, "Kayo'y mga saksi laban sa inyong sarili na inyong pinili ang PANGINOON upang paglingkuran siya." At sinabi nila, "Kami ay mga saksi." Sinabi niya, "Kung gayon ay alisin ninyo ang ibang mga diyos na nasa gitna ninyo at ilapit ninyo ang inyong puso sa PANGINOON, na Diyos ng Israel." At sinabi ng bayan kay Josue, "Ang PANGINOON nating Diyos ay aming paglilingkuran, at ang kanyang tinig ay aming susundin." Kaya't nakipagtipan si Josue sa bayan nang araw na iyon at gumawa ng mga tuntunin at batas para sa kanila sa Shekem. Isinulat ni Josue ang mga salitang ito sa aklat ng kautusan ng Diyos; at siya'y kumuha ng malaking bato, at inilagay sa lilim ng ensina na nasa tabi ng santuwaryo ng PANGINOON. Sinabi ni Josue sa buong bayan, "Tingnan ninyo, ang batong ito ay magiging saksi laban sa atin, sapagkat narinig nito ang lahat ng mga salita ng PANGINOON na kanyang sinalita sa atin; kaya't ito'y magiging saksi laban sa inyo, kapag itinakuwil ninyo ang inyong Diyos." Sa gayo'y pinauwi ni Josue ang bayan patungo sa kanilang pamana. Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Josue na anak ni Nun na lingkod ng PANGINOON ay namatay sa gulang na isandaan at sampung taon. Kanilang inilibing siya sa kanyang sariling pamana sa Timnat-sera, na nasa lupaing maburol ng Efraim sa hilaga ng bundok ng Gaas. At naglingkod ang Israel sa PANGINOON sa lahat ng mga araw ni Josue, at sa lahat ng mga araw ng matatandang naiwang buhay pagkamatay ni Josue at nakaalam ng lahat ng mga ginawa ng PANGINOON para sa Israel. Ang mga buto ni Jose na dinala ng mga anak ni Israel mula sa Ehipto ay inilibing nila sa Shekem, sa bahagi ng lupang binili ni Jacob sa mga anak ni Hamor na ama ni Shekem sa halagang isandaang pirasong salapi; iyon ay naging pamana sa mga anak ni Jose. Namatay si Eleazar na anak ni Aaron at kanilang inilibing siya sa Gibeah, ang bayan ni Finehas na kanyang anak, na ibinigay sa kanya sa lupaing maburol ng Efraim. Pagkamatay ni Josue, itinanong ng mga anak ni Israel sa PANGINOON na sinasabi, "Sino ang mangunguna sa amin upang labanan ang mga Cananeo?" Sinabing PANGINOON,'Ang Juda ang mangunguna. Ibinigay ko na ang lupain sa kanyang kamay." Sinabi ng Juda sa Simeon na kanyang kapatid, "Sumama ka sa akin sa lupaing inilaan sa akin upang ating kalabanin ang mga Cananeo. Ako nama'y sasama sa iyo sa lupaing nakalaan sa iyo." Kaya't ang Simeon ay sumama sa kanya. At umahon ang Juda at ibinigay ng PANGINOON ang mga Cananeo at mga Perezeo sa kanilang kamay. Natalo nila ang sampung libong lalaki sa Bezec. Kanilang natagpuan si Adoni-bezek sa Bezec at siya'y nilabanan nila, at kanilang tinalo ang mga Cananeo at ang mga Perezeo. Ngunit tumakas si Adoni-bezek, kaya't kanilang hinabol siya hanggang sa nahuli, at pinutol nila ang mga hinlalaki sa kanyang kamay at paa. Sinabi ni Adoni-bezek, "Pitumpung hari na pinutulan ng mga hinlalaki sa kamay at paa ang namumulot ng kanilang pagkain sa ilalim ng aking hapag. Kung paano ang aking ginawa ay gayon ako pinaghigantihan ng Diyos." Dinala nila siya sa Jerusalem, at siya'y namatay roon. At ang mga anak ni Juda ay lumaban sa Jerusalem at sinakop ito. Pinatay nila ito ng talim ng tabak, at sinunog ng apoy ang lunsod. Pagkatapos, ang mga anak ni Juda ay lumusong upang lumaban sa mga Cananeo na naninirahan sa mga lupaing maburol, at sa Negeb, at sa kapatagan. Ang Juda ay lumaban sa mga Cananeo na naninirahan sa Hebron (ang pangalan ng Hebron nang una ay Kiryat-arba); at kanilang tinalo ang Sesai, at ang Ahiman, at ang Talmai. Mula roo'y lumaban sila sa mga taga-Debir. (Ang pangalan nga ng Debir nang una ay Kiryat-sefer.) Sinabi ni Caleb, "Ang sumalakay sa Kiryat-sefer at sumakop doon ay ibibigay ko sa kanya si Acsa na aking anak bilang asawa." Si Otniel na anak ni Kenaz, nakababatang kapatid ni Caleb, ay siyang sumakop; at ibinigay niya sa kanya si Acsa na kanyang anak bilang asawa. Nang makipisan siya sa kanya, kanyang hinimok siya na humingi sa kanyang ama ng isang bukid; at siya'y bumaba sa kanyang asno, at sinabi ni Caleb sa kanya, "Anong ibig mo?" Sinabi ni Acsa sa kanya, "Bigyan mo ako ng isang kaloob; yamang inilagay mo ako sa lupain ng Negeb, bigyan mo rin ako ng mga bukal ng tubig." At ibinigay ni Caleb sa kanya ang mga bukal sa itaas, at ang mga bukal sa ibaba. Ang mga anak ni Kineo, na biyenan ni Moises ay umahong kasama ng mga anak ni Juda mula sa lunsod ng mga palma hanggang sa ilang ng Juda na malapit sa Arad; at sila'y naparoon at nanirahang kasama ng mga tao. Ang Juda ay sumama kay Simeon na kanyang kapatid, at kanilang tinalo ang mga Cananeo na nanirahan sa Sefath at lubos na pinuksa ito. Ang pangalan ng bayan ay tinawag na Horma. Sinakop din naman ng Juda ang Gaza pati ang nasasakupan niyon at ang Ascalon pati ang nasasakupan niyon, at ang Ekron pati ang nasasakupan niyon. Ang PANGINOON ay sumama sa Juda at kanyang inangkin ang mga lupaing maburol; ngunit hindi niya mapalayas ang mga naninirahan sa kapatagan, dahil sa sila'y may mga karwaheng bakal. Kanilang ibinigay ang Hebron kay Caleb, gaya nang sinabi ni Moises at kanyang pinalayas doon ang tatlong anak ni Anak. Hindi pinalayas ng mga anak ni Benjamin ang mga Jebuseo na naninirahan sa Jerusalem; kaya't ang mga Jebuseo ay nanirahang kasama ng mga anak ni Benjamin sa Jerusalem hanggang sa araw na ito. Ang sambahayan ni Jose ay umahon din laban sa Bethel; at ang PANGINOON ay kasama nila. Ang sambahayan ni Jose ay nagsugo upang tiktikan ang Bethel. (Ang pangalan nga ng bayan nang una ay Luz.) Nakakita ang mga espiya ng isang lalaki na lumalabas sa lunsod at kanilang sinabi sa kanya, "Ituro mo sa amin ang pasukan sa lunsod at magiging mabuti kami sa iyo." At itinuro niya sa kanila ang pasukan sa lunsod, at kanilang pinatay ng talim ng tabak ang mga tao sa lunsod ngunit pinaalis ang lalaki at ang kanyang buong sambahayan. Kaya't ang lalaki ay pumasok sa lupain ng mga Heteo, at nagtayo ng isang bayan, at tinawag ang pangalan niyon na Luz: iyon ang pangalan niyon hanggang sa araw na ito. Hindi pinalayas ng Manases ang mga naninirahan sa Bet-shan at ang mga nayon niyon, ni ang mga naninirahan sa Taanac at ang mga nayon niyon, ni ang mga naninirahan sa Dor at ang mga nayon niyon, ni ang mga naninirahan sa Ibleam at ang mga nayon niyon, ni ang mga naninirahan sa Megido at ang mga nayon niyon; kundi ang mga Cananeo ay nanatiling nakatira sa lupaing iyon. Nang lumakas ang Israel, kanilang sapilitang pinagawa ang mga Cananeo, ngunit hindi nila lubos na pinalayas. Hindi pinalayas ni Efraim ang mga Cananeo na naninirahan sa Gezer; kundi ang mga Cananeo ay nanirahan sa Gezer na kasama nila. Hindi pinalayas ni Zebulon ang mga naninirahan sa Chitron, ni ang mga naninirahan sa Naalol; kundi ang mga Cananeo ay nanirahang kasama nila, at naging saklaw ng sapilitang paggawa. Hindi pinalayas ng Aser ang mga naninirahan sa Aco, ni ang mga naninirahan sa Sidon, ni ang naninirahan sa Alab, ni ang naninirahan sa Aczib, ni ang naninirahan sa Helba, ni ang naninirahan sa Afec, ni ang naninirahan sa Rehob; kundi ang mga Aserita ay nanirahang kasama ng mga Cananeo, na mga naninirahan sa lupaing iyon sapagkat hindi nila pinalayas sila. Hindi pinalayas ng Neftali ang mga naninirahan sa Bet-shemes, ni ang mga naninirahan sa Bet-anat; kundi nanirahang kasama ng mga Cananeo na naninirahan sa lupaing iyon. Gayunman ang mga naninirahan sa Bet-shemes at naninirahan sa Bet-anat ay naging saklaw ng sapilitang paggawa para sa kanila. Pinaurong ng mga Amoreo ang mga anak ni Dan sa mga lupaing maburol sapagkat ayaw nilang payagang sila'y bumaba sa kapatagan. Nagpilit ang mga Amoreo na manirahan sa bundok ng Heres, sa Aijalon, at sa Shaalbim. Gayunman, lalong naging makapangyarihan ang sambahayan ni Jose sa kanila at sila'y inilagay sa sapilitang paggawa. Ang hangganan ng mga Amoreo ay mula sa daang paakyat ng Acrabim, mula sa Sela at paitaas. Umakyat ang anghel ng PANGINOON sa Boquim mula sa Gilgal. Kanyang sinabi, "Kayo'y pinaahon ko mula sa Ehipto, at dinala ko kayo sa lupain na aking ipinangakong ibibigay sa inyong mga ninuno. Sinabi kong, 'Kailanma'y hindi ko sisirain ang aking tipan sa inyo, at huwagkayongmakikipagtipan sa mga naninirahan sa lupaing ito; inyong wawasakin ang kanilang mga dambana.' Ngunit hindi ninyo dininig ang aking utos. Ano itong ginawa ninyo? Kaya't sinasabi ko ngayon, Hindi ko sila palalayasin sa harap ninyo; kundi sila'y magiging mga kalaban ninyo, at ang kanilang mga diyos ay magiging bitag sa inyo." Nang sabihin ng anghel ng PANGINOON ang mga salitang ito sa lahat ng mga anak ni Israel, inilakas ng bayan ang kanilang tinig at umiyak. At kanilang tinawag ang pangalan ng dakong iyon na Boquim; at sila'y nag-alay doon sa PANGINOON. Nang mapaalis na ni Josue ang taong-bayan, pumaroon ang bawat isa sa mga anak ni Israel sa kanyang mana upang angkinin ang lupa. Naglingkod ang bayan sa PANGINOON sa lahat ng mga araw ni Josue, at sa lahat ng mga araw ng matatandang huling namatay kay Josue na nakakita ng mga dakilang bagay na ginawa ng PANGINOON para sa Israel. Si Josue na anak ni Nun, na lingkod ng PANGINOON, ay namatay sa gulang na isandaan at sampung taon. Kanilang inilibing siya sa hangganan ng kanyang mana, sa Timnat-heres, sa maburol na lupain ng Erraim na nasa hilaga ng bundok Gaas. Ang buong lahing iyon ay nalakip din sa kanilang mga magulang. Doon ay may ibang salinlahing bumangon pagkamatay nila na hindi kilala ang PANGINOON, ni ang mga bagay na kanyang ginawa para sa Israel. Ginawa ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng PANGINOON at naglingkod sa mga Baal. Kanilang tinalikuran ang PANGINOON, ang Diyos ng kanilang mga ninuno na naglabas sa kanila sa lupain ng Ehipto. Sumunod sila sa ibang mga diyos, sa mga diyos ng mga bayan na nasa palibot nila, at sila'y yumukod sa mga iyon; at kanilang ginalit ang PANGINOON. Kanilang tinalikuran ang PANGINOON, at naglingkod sa mga Baal at Astarte. Kaya't ang galit ng PANGINOON ay nag-alab laban sa Israel, at kanyang ibinigay sila sa mga manloloob. Kanyang ipinagbili sila sa mga kamay ng kanilang mga kaaway sa palibot, anupa't sila'y hindi na makatagal sa kanilang mga kaaway. Saan man sila humayo, ang kamay ng PANGINOON ay laban sa kanila sa ikasasama nila, gaya nang ibinabala at isinumpa sa kanila ng PANGINOON, sila'y nagipit na mabuti. Kaya't ang PANGINOON ay naglagay ng mga hukom na nagligtas sa kanila sa kapangyarihan ng mga nanloob sa kanila. Gayunma'y hindi nila pinakinggan ang kanilang mga hukom, kundi sila'y sumamba sa ibang mga diyos, at kanilang niyukuran ang mga iyon. Hindi nagtagal, sila'y lumihis sa daan na nilakaran ng kanilang mga ninuno na sumunod sa mga utos ng PANGINOON; hindi sila sumunod sa kanilang halimbawa. Tuwing maglalagay ng hukom ang PANGINOON para sa kanila, ang PANGINOON ay kasama ng hukom, at kanyang iniligtas sila sa kamay ng kanilang mga kaaway sa lahat ng mga araw ng hukom, sapagkat naawa ang PANGINOON dahil sa kanilang daing, dahil sa mga nagpahirap at nang-api sa kanila. Ngunit pagkamatay ng hukom, sila'y tumalikod at kumilos na mas masama pa kaysa kanilang mga ninuno. Sila'y sumunod sa ibang mga diyos pinaglingkuran at niyuyukuran ang mga ito. Hindi nila inihinto ang alinman sa kanilang mga gawa, ni ang kanilang mga pagmamatigas. Kaya't ang galit ng PANGINOON ay nag-alab laban sa Israel; at kanyang sinabi, "Sapagkat sinuway ng bayang ito ang aking tipan na aking iniutos sa kanilang mga ninuno, at hindi dininig ang aking tinig. Kaya't hindi ko na palalayasin sa harap nila ang alinman sa mga bansang iniwan ni Josue nang siya'y mamatay; upang sa pamamagitan nila'y aking masubok ang Israel, kung kanilang susundin o hindi ang daan ng PANGINOON upang lakaran nila, na gaya ng ginawa ng kanilang mga ninuno." Kaya't iniwan ng PANGINOON ang mga bansang iyon, sila'y hindi niya agad pinalayas, ni ibinigay sila sa kamay ni Josue. Ito ang mga bansang iniwan ng PANGINOON upang subukin ang mga Israelita na walang karanasan sa pakikipaglaban sa Canaan; Iyon ay upang malaman ng mga salinlahi ng mga anak ni Israel ang pakikipaglabanan, upang turuan sa pakikipaglaban ang mga hindi nakaranas nito noong una. Ang nabanggit ay ang limang pinuno ng mga Filisteo at ang lahat ng mga Cananeo, mga Sidonio, at mga Heveo nananinirahan sa bundok ng Lebanon, mula sa bundok ng Baal-hermon hanggang sa pasukan ng Hamat. Ang mga ito ay upang subukin ang Israel sa pamamagitan nila, at malaman kung kanilang papakinggan ang mga utos ng PANGINOON, na kanyang iniutos sa kanilang mga magulang sa pamamagitan ni Moises. Kaya't ang mga anak ni Israel ay nanirahang kasama ng mga Cananeo, mga Heteo, mga Amoreo, mga Perezeo,mga Heveo, at mga Jebuseo. Kinuha nila ang kanilang mga anak na babae upang maging mga asawa nila, at ibinigay ang kanilang sariling mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalaki, at naglingkod sa kanilang mga diyos. Ginawa ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng PANGINOON, at nilimot ang PANGINOON nilang Diyos, at naglingkod sa mga Baal at sa mga Ashera. Kaya't ang galit ng PANGINOON ay nagningas laban sa Israel, at kanyang ipinagbili sila sa kamay ni Cushan-risataim, na hari sa Mesopotamia; at ang mga anak ni Israel ay naglingkod kay Cushan-risataim ng walong taon. Ngunit nang dumaing sa PANGINOON ang mga anak ni Israel, ang PANGINOON ay nagbangon ng isang tagapagligtas sa mga anak ni Israel, na siyang nagligtas sa kanila, samakatuwid ay si Otniel na anak ni Kenaz, na nakababatang kapatid ni Caleb. Ang Espiritu ng PANGINOON ay sumakanya, at siya'y naging hukom sa Israel. Siya'y lumabas sa pakikipaglaban, at ibinigay ng PANGINOON sa kanyang kamay si Chusan-risataim na hari sa Mesopotamia at ang kanyang kamay ay nanaig laban kay Cushan-risataim. Kaya't nagpahinga ang lupain ng apatnapung taon. At si Otniel na anak ni Kenaz ay namatay. Muling gumawa ng masama ang mga anak ni Israel sa paningin ng PANGINOON. Pinatatag ng PANGINOON si Eglon na hari sa Moab laban sa Israel, sapagkat kanilang ginawa ang masama sa paningin ng PANGINOON. Kanyang tinipon ang mga anak ni Ammon at ni Amalek at siya'y humayo at tinalo niya ang Israel, at kanilang inangkin ang lunsod ng mga punong palma. Ang mga anak ni Israel ay naglingkod kay Eglon na hari ng Moab ng labingwalong taon. Ngunit nang dumaing ang mga anak ni Israel sa PANGINOON, humirang para sa kanila ang PANGINOON ng isang tagapagligtas, si Ehud na anak ni Gera, ang Benjaminita, na isang lalaking kaliwete. At ang mga anak ni Israel ay nagpadala ng buwis sa pamamagitan niya kay Eglon na hari ng Moab. Si Ehud ay gumawa ng isang tabak na may dalawang talim, na may isang siko ang haba; at kanyang ibinigkis sa loob ng kanyang suot, sa kanyang dakong kanang hita. Kanyang inihandog ang buwis kay Eglon na hari ng Moab; at si Eglon ay lalaking napakataba. Pagkatapos makapaghandog ng buwis, pinaalis niya ang mga taong nagdala ng kaloob. Ngunit siya ay bumalik mula sa tibagan ng bato na malapit sa Gilgal, at nagsabi, "Ako'y may isang lihim na mensahe sa iyo, O hari." At kanyang sinabi, "Tumahimik ka." At ang lahat ng kanyang tagapaglingkod ay umalis sa kanyang harapan. Si Ehud ay lumapit sa kanya habang siya'y nakaupong mag-isa sa kanyang malamig na silid sa itaas. Sinabi ni Ehud, "Ako'y may dalang mensahe sa iyo na mula sa Diyos." Siya'y tumindig sa kanyang upuan. At inabot ni Ehud ng kanyang kaliwang kamay ang tabak mula sa kanyang kanang hita, at isinaksak sa tiyan ni Eglon. Pati ang puluhan ay sumuot na kasunod ng talim, at natikom ang taba sa tabak, sapagkat hindi niya binunot ang tabak sa kanyang tiyan; at lumabas ang dumi. Nang magkagayo'y lumabas si Ehud sa pintuan, at pinagsarhan niya ng mga pintuan ang silid sa itaas at ikinandado ang mga ito. Nang makalabas siya ay dumating ang kanyang mga katulong. Kanilang nakita na ang mga pintuan ng silid sa itaas ay nakakandado; at kanilang sinabi, "Maaaring siya ay dumudumi sa malamig na silid." Sila'y naghintay hanggang sa sila'y mag-alala. Nang hindi pa niya buksan ang mga pintuan ng silid sa itaas, sila'y kumuha ng susi at binuksan ang mga ito. Nakita nilang ang kanilang panginoon ay patay na nakabulagta sa sahig. Tumakas si Ehud samantalang sila'y naghihintay, at siya'y dumaan sa dako roon ng tibagan ng bato at tumakas hanggang sa Seira. Pagdating niya ay kanyang hinipan ang trumpeta sa lupaing maburol ng Efraim, at ang mga anak ni Israel ay lumusong na kasama niya mula sa lupaing maburol, at siya'y nasa unahan nila. Kanyang sinabi sa kanila, "Sumunod kayo sa akin; sapagkat ibinigay ng PANGINOON ang inyong mga kaaway na mga Moabita sa inyong kamay." At sila'y lumusong na kasunod niya, sinakop ang mga tawiran sa Jordan laban sa mga Moabita, at hindi nila pinayagang tumawid doon ang sinumang tao. Ang kanilang napatay nang panahong iyon ay may sampung libo sa mga Moabita, lahat ng malalakas, matitipuno ang katawan; at doo'y walang nakatakas na lalaki. Gayon nalupig ang Moab nang araw na iyon, sa ilalim ng kamay ng Israel. At ang lupain ay nagpahinga ng walumpung taon. Kasunod niya'y dumating si Shamgar, na anak ni Anat, na nakapatay ng animnaraang Filisteo sa pamamagitan ng panundot sa baka; at kanya ring iniligtas ang Israel. Ginawa uli ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng PANGINOON, nang mamatay si Ehud. Ipinagbili sila ng PANGINOON sa kamay ni Jabin na hari ng Canaan, na naghahari sa Hazor; na ang pinuno sa kanyang hukbo ay si Sisera, na naninirahan sa Haroset-hagoiim. At dumaing ang mga anak ni Israel sa PANGINOON sapagkat siya'y may siyamnaraang karwaheng bakal; at dalawampung taon niyang lubhang pinahirapan ang mga anak ni Israel. Si Debora nga, na propetisa, asawa ni Lapidot, ay siyang hukom ng Israel nang panahong iyon. Siya ay laging umuupo sa ilalim ng puno ng palma ni Debora, sa pagitan ng Rama at Bethel, sa lupaing maburol ng Efraim; at pinupuntahan siya ng mga anak ni Israel para sa kanyang hatol. Siya'y nagsugo at ipinatawag si Barak na anak ni Abinoam mula sa Kedes sa Neftali, at sinabi sa kanya, "Inuutusan ka ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel, 'Humayo ka, at tipunin mo ang iyong mga tauhan sa bundok ng Tabor, at kumuha ka ng sampung libo sa lipi ni Neftali at sa lipi ni Zebulon. Aking palalabasin si Sisera, ang pinuno sa hukbo ni Jabin, upang salubungin ka sa Ilog Kishon, kasama ang kanyang mga karwahe at ang kanyang hukbo; at ibibigay ko siya sa iyong kamay.'" Sinabi ni Barak sa kanya, "Kung sasama ka sa akin ay pupunta ako roon. Ngunit kung hindi ka sasama sa akin ay hindi ako pupunta." At kanyang sinabi, "Tiyak na sasama ako sa iyo; gayunma'y ang daan na iyong tatahakin ay hindi patungo sa iyong kapurihan, sapagkat ipagbibili ng PANGINOON si Sisera sa kamay ng isang babae." At si Debora ay tumindig at sumama kay Barak sa Kedes. Tinawag ni Barak ang Zebulon at ang Neftali sa Kedes; at doo'y kasunod niyang umahon ang sampung libong lalaki at si Debora ay umahong kasama niya. Si Eber na Kineo ay humiwalay na sa mga Kineo, ang mga anak ni Hobab, na biyenan ni Moises, at itinayo ang kanyang tolda sa may punong ensina sa Zaananim, na malapit sa Kedes. Nang masabi kay Sisera na si Barak na anak ni Abinoam ay umahon sa bundok ng Tabor, tinipon ni Sisera ang lahat ng kanyang mga karwahe, na siyam na raang karwaheng bakal, at ang lahat ng mga lalaking kasama niya, mula sa Haroset-hagoiim hanggang sa Ilog Kishon. At sinabi ni Debora kay Barak, "Tumindig ka! Sapagkat ito ang araw na ibinigay ng PANGINOON si Sisera sa iyong kamay. Hindi ba lumabas ang PANGINOON sa harap mo?" Kaya't lumusong si Barak mula sa bundok ng Tabor kasama ang sampung libong lalaking sumusunod sa kanya. Itinaboy ng PANGINOON si Sisera at ang lahat ng kanyang mga karwahe, at ang buong hukbo niya sa harap ni Barak sa talim ng tabak. Bumaba si Sisera sa kanyang karwahe, at patakbong tumakas. Ngunit hinabol ni Barak ang mga karwahe at ang hukbo, hanggang sa Haroset-hagoiim at ang buong hukbo ni Sisera ay nahulog sa talim ng tabak; wala ni isang lalaking nalabi. Gayunman ay patakbong tumakas si Sisera patungo sa tolda ni Jael na asawa ni Eber na Kineo; sapagkat may kapayapaan sa pagitan ni Jabin na hari sa Hazor at ng sambahayan ni Eber na Kineo. Sinalubong ni Jael si Sisera, at sinabi sa kanya, "Lumiko ka, panginoon ko, lumiko ka rito sa akin; huwag kang matakot." Kaya't siya'y lumiko sa kanya sa loob ng tolda, at siya'y tinalukbungan niya ng isang alpombra. Sinabi niya sa kanya, "Isinasamo ko sa iyo, bigyan mo ako ng kaunting tubig na maiinom; sapagkat ako'y nauuhaw." Kaya't binuksan niya ang isang balat na sisidlan ng gatas, at kanyang pinainom siya, at tinakpan siya. At sinabi ni Sisera sa kanya, "Tumayo ka sa pintuan ng tolda, at kapag may taong dumating at magtanong sa iyo, 'May tao ba riyan?' ay iyong sasabihin, 'Wala.'" Ngunit kumuha si Jael, na asawa ni Eber, ng isang tulos ng tolda at kumuha ng isang pamukpok at dahan-dahang lumapit sa kanya. Habang natutulog nang mahimbing si Sisera dahil sa pagod, itinusok ni Jael ang tulos sa kanyang noo hanggang umabot ito sa lupa, at siya'y namatay. Sa paghabol ni Barak kay Sisera ay lumabas si Jael upang salubungin siya, at sinabi sa kanya, "Halika, at ipapakita ko sa iyo ang lalaking hinahanap mo." Kaya't siya'y pumasok sa kanyang tolda, at naroon si Sisera na patay na nakabulagta at ang tulos ng tolda ay nasa kanyang noo. Gayon nilupig ng Diyos nang araw na iyon si Jabin na hari ng Canaan sa harap ng mga anak ni Israel. Habang tumatagal ay naging higit na malakas ang mga Israelita laban kay Jabin na hari ng Canaan, hanggang sa mapuksa nila si Jabin na hari ng Canaan. Nang magkagayo'y umawit si Debora at si Barak na anak ni Abinoam nang araw na iyon, "Sapagkat ang mga pinuno ay nanguna sa Israel, sapagkat kusang inihandog ng bayan ang kanilang sarili, purihin ninyo ang PANGINOON! "Makinig kayo, mga hari; pakinggan ninyo, mga prinsipe; PANGINOON ako'y aawit, ako'y gagawa ng himig sa PANGINOON, ang Diyos ng Israel. "PANGINOON, nang ikaw ay lumabas sa Seir, nang ikaw ay humayo mula sa lupain ng Edom, ang lupa'y nanginig, ang langit naman ay nagpatak, oo, ang mga ulap ay nagpatak ng tubig. Ang mga bundok ay nayanig sa harap ng PANGINOON, yaong sa Sinai, sa harap ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel. "Sa mga araw ni Shamgar na anak ni Anat, sa mga araw ni Jael, ang mga paglalakbay ay tumigil, at ang mga manlalakbay ay bumagtas sa mga lihis na landas. Ang mga magsasaka ay huminto sa Israel, sila'y tumigil, hanggang sa akong si Debora ay bumangon, bumangon bilang ina sa Israel. Nang piliin ang mga bagong diyos, nasa mga pintuang-bayan ang digmaan. May nakita bang kalasag o sibat sa apatnapung libo sa Israel? Ang aking puso ay nasa mga pinuno sa Israel, na kusang-loob na naghandog ng kanilang sarili sa bayan; purihin ang PANGINOON! "Saysayin ninyo, kayong mga nakasakay sa mapuputing asno, kayong nakaupo sa maiinam na alpombra, at kayong lumalakad sa daan. Sa tugtog ng mga manunugtog sa mga dakong igiban ng tubig, doon nila inuulit ang mga tagumpay ng PANGINOON, ang mga tagumpay ng kanyang magbubukid sa Israel. "Bumaba nga ang bayan ng PANGINOON sa mga pintuang-bayan. "Gumising ka, gumising ka, Debora! Gumising ka, gumising ka, bumigkas ka ng awit! Bumangon ka, Barak, at ihatid mo ang iyong mga bihag, ikaw na anak ni Abinoam. Bumaba nga ang nalabi sa mga maharlika; at ang bayan ng PANGINOON ay bumaba dahil sa kanya laban sa mga makapangyarihan. Mula sa Efraim na kanilang ugat, sila ay naghanda patungo sa libis, sa likuran mo ay ang Benjamin, na kasama ng iyong mga kamag-anak; sa Makir nagmula ang mga pinuno, at sa Zebulon ang may hawak ng tungkod ng pinuno; ang mga pinuno sa Isacar ay dumating na kasama ni Debora; at ang Isacar ay tapat kay Barak, sa libis ay dumaluhong sila sa kanyang mga sakong. Sa gitna ng mga angkan ni Ruben, nagkaroon ng lubusang pagsasaliksik ng puso. Bakit ka nanatili sa gitna ng mga kulungan ng tupa, upang makinig ba ng mga pagtawag sa mga kawan? Sa gitna ng mga angkan ng Ruben, nagkaroon ng lubusang pagsasaliksik ng puso. Ang Gilead ay nanatili sa kabila ng Jordan; at ang Dan, bakit siya'y nanatili sa mga barko? Ang Aser ay nanatili sa mga baybayin ng dagat, at nanahan sa kanyang mga daong. Ang Zebulon ay isang bayan na nagsuong ng kanilang buhay sa kamatayan, gayundin ang Neftali sa matataas na dako ng kaparangan. "Ang mga hari ay dumating, sila'y lumaban; nang magkagayo'y lumaban ang mga hari ng Canaan, sa Taanac na nasa tabi ng tubig sa Megido; sila'y hindi nakasamsam ng pilak. Mula sa langit ang mga bituin ay nakipaglaban, mula sa kanilang paglakad sila'y nakipaglaban kay Sisera. Tinangay sila ng rumaragasang Kishon, ng rumaragasang agos, ng Ilog Kishon. Sumulong ka, kaluluwa ko, nang may lakas! "Nang magkagayo'y yumabag ang mga paa ng mga kabayo, na may pagkaripas, pagkaripas ng kanyang mga kabayong pandigma. "Sumpain si Meroz, sabi ng anghel ng PANGINOON, sumpain nang mapait ang mga naninirahan doon, sapagkat sila'y hindi dumating upang tumulong sa PANGINOON, upang tumulong sa PANGINOON, laban sa makapangyarihan. "Higit na pinagpala sa lahat ng babae si Jael, ang asawa ni Eber na Kineo, higit siyang pinagpala sa lahat ng babaing naninirahan sa tolda. Siya'y humingi ng tubig, at binigyan niya ng gatas; kanyang dinalhan siya ng mantekilya sa maharlikang mangkok. Hinawakan ng kanyang kamay ang tulos ng tolda, at ng kanyang kanang kamay ang pamukpok ng mga manggagawa; kanyang pinukpok si Sisera ng isang pukpok, dinurog niya ang kanyang ulo, kanyang binasag at tinusok ang kanyang noo. Siya'y nabuwal, siya'y nalugmok, siya'y bumulagta sa kanyang paanan, sa kanyang paanan siya ay nabuwal, siya ay nalugmok, kung saan siya nabuwal, doon siya patay na bumagsak. "Mula sa bintana siya ay dumungaw, ang ina ni Sisera ay sumigaw sa pagitan ng durungawan: 'Bakit ang kanyang karwahe ay natatagalang dumating? Bakit nababalam ang mga yabag ng kanyang mga karwahe?' Ang kanyang mga pinakapantas na babae ay sumagot sa kanya, siya na rin ang sumagot sa kanyang sarili, 'Hindi ba sila nakakatagpo at naghahati-hati ng samsam? Isa o dalawang dalaga, sa bawat lalaki; kay Sisera ay samsam na damit na may sari-saring kulay, samsam na sari-saring kulay ang pagkaburda, dalawang piraso ng kinulayang gawa, binurdahan para sa aking leeg bilang samsam?' "Gayon nalipol ang lahat ng iyong mga kaaway, PANGINOON! Ngunit ang iyong mga kaibigan ay maging tulad ng araw sa pagsikat niya sa kanyang kalakasan." At ang lupain ay nagpahinga na apatnapung taon. Gumawa ng masama ang mga anak ni Israel sa paningin ng PANGINOON; at ibinigay sila ng PANGINOON sa kamay ng Midian nang pitong taon. At ang Midian ay nagtagumpay laban sa Israel. Dahil sa Midian ay gumawa ang mga anak ni Israel ng mga taguan sa bundok, sa mga yungib, at ng mga muog. Sapagkat tuwing maghahasik ang Israel, ang mga Midianita at Amalekita, at ang mga taga-silangan ay umaahon at sinasalakay sila. Sila'y nagkakampo sa tapat nila at kanilang sinisira ang bunga ng lupa, hanggang sa may Gaza, at wala silang iniiwang makakain sa Israel, maging tupa, baka, o asno man. Sila'y aahong dala ang kanilang kawan at ang kanilang mga tolda; at sila'y dumarating na parang mga balang sa dami. Sila at ang kanilang mga kamelyo ay hindi mabilang; kaya't kanilang sinisira ang lupain sa kanilang pagdating. Gayon lubhang naghirap ang Israel dahil sa Midian; at ang mga anak ni Israel ay dumaing sa PANGINOON. Nang dumaing sa PANGINOON ang mga anak ni Israel dahil sa Midian, nagsugo ang PANGINOON ng isang propeta sa mga anak ni Israel, at kanyang sinabi sa kanila, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel: Kayo'y aking pinangunahan mula sa Ehipto, at inilabas ko kayo sa bahay ng pagkaalipin. Iniligtasko kayo sa kamay ng mga Ehipcio, at sa kamay ng lahat ng mga nagpapahirap sa inyo, at aking pinalayas sila sa harap ninyo, at ibinigay ko sa inyo ang kanilang lupain. At sinabi ko sa inyo, 'Ako ang PANGINOON ninyong Diyos; huwag kayong magbibigay-galang sa mga diyos ng mga Amoreo, na ang kanilang lupain ay inyong tinatahanan.' Ngunit hindi ninyo dininig ang aking tinig." Ang anghel ng PANGINOON ay dumating at umupo sa ilalim ng ensina na nasa Ofra, na pag-aari ni Joas na Abiezerita, habang ang kanyang anak na si Gideon ay gumigiik ng trigo sa ubasan, upang itago ito sa mga Midianita. Nagpakita ang anghel ng PANGINOON sa kanya, at sinabi sa kanya, "Ang PANGINOON ay sumasaiyo, ikaw na magiting na mandirigma." Sinabi ni Gideon sa kanya, "Subalit ginoo, kung ang PANGINOON ay kasama namin, bakit ang lahat ng ito ay sumapit sa amin? Nasaan ang lahat ng kanyang kamangha-manghang gawa na isinaysay sa amin ng aming mga ninuno, na sinasabi, 'Hindi ba tayo iniahon ng PANGINOON mula sa Ehipto?' Ngunit ngayo'y itinakuwil kami ng PANGINOON at ibinigay kami sa kamay ng Midian." At bumaling sa kanya ang PANGINOON, at sinabi, "Humayo ka sa kalakasan mong ito, at iligtas mo ang Israel sa kamay ng Midian. Hindi ba kita isinusugo?" Sinabi niya sa kanya, "Ngunit ginoo, paano ko maililigtas ang Israel? Ang aking angkan ang pinakamahina sa Manases, at ako ang pinakahamak sa sambahayan ng aking ama." Sinabi ng PANGINOON sa kanya, "Subalit ako'y makakasama mo at iyong ibubuwal ang mga Midianita, bawat isa sa kanila." At sinabi niya sa kanya, "Kung nakatagpo ako ngayon ng biyaya sa iyong paningin, ay bigyan mo ako ng isang tanda na ikaw nga ang nakikipag-usap sa akin. Huwag kang umalis dito hanggang sa ako'y dumating sa iyo, at ilabas ko ang aking kaloob, at ilapag ko sa harap mo." At kanyang sinabi, "Ako'y maghihintay hanggang sa ikaw ay bumalik." Kaya't si Gideon ay pumasok sa kanyang bahay, at naghanda ng isang batang kambing, ng mga munting tinapay na walang pampaalsa at ng isang efang harina. Inilagay niya ang karne sa isang basket, at kanyang inilagay ang sabaw sa isang palayok, at dinala ang mga ito sa kanya sa ilalim ng ensina, at inihain ang mga ito. At sinabi ng anghel ng Diyos sa kanya, "Kunin mo ang karne at ang mga munting tinapay na walang pampaalsa at ipatong mo sa batong ito at ibuhos mo rito ang sabaw." At gayon ang ginawa niya. Pagkatapos ay iniabot ng anghel ng PANGINOON ang dulo ng tungkod na nasa kanyang kamay, at sinaling ang karne at ang mga munting tinapay na walang pampaalsa. May lumabas na apoy sa bato at tinupok ang karne at ang mga munting tinapay na walang pampaalsa; at ang anghel ng PANGINOON ay nawala sa kanyang paningin. Nalaman ni Gideon na iyon ang anghel ng PANGINOON; at sinabi ni Gideon, "Tulungan mo ako, O Panginoong DIYOS! Sapagkat aking nakita ang anghel ng PANGINOON nang mukhaan." Ngunit sinabi ng PANGINOON sa kanya, "Sumaiyo ang kapayapaan; huwag kang matakot, hindi ka mamamatay." Nang magkagayo'y nagtayo roon si Gideon ng isang dambana sa PANGINOON, at tinawag iyon na, Ang PANGINOON ay kapayapaan. Hanggang sa araw na ito, iyon ay nakatayo pa rin sa Ofra ng mga Abiezerita. Nang gabing iyon, sinabi ng PANGINOON sa kanya, "Kunin mo ang toro ng iyong ama, ang ikalawang toro na may pitong taong gulang. Ibagsak mo ang dambana ni Baal na pag-aari ng iyong ama, at putulin mo ang sagradong poste na katabi niyon. Ipagtayo mo ng dambana ang PANGINOON mong Diyos sa tuktok ng kutang ito, sa tamang ayos. Pagkatapos, kunin mo ang ikalawang toro, at ialay mo bilang isang handog na sinusunog, pati ang kahoy ng sagradong postee na iyong puputulin." Kaya't kumuha si Gideon ng sampung lalaki sa kanyang mga katulong at ginawa ang ayon sa sinabi ng PANGINOON sa kanya; ngunit dahil siya'y takot na takot sa sambahayan ng kanyang ama at sa mga lalaki sa bayan, hindi niya iyon ginawa sa araw kundi sa gabi. Kinaumagahan, nang maagang bumangon ang mga lalaki sa bayan, ang dambana ni Baal ay wasak na, ang sagradong poste na katabi niyon ay pinutol, at ang ikalawang toro ay inihandog sa dambanang itinayo. Sinabi nila sa isa't isa, "Sino ang gumawa ng bagay na ito?" Nang kanilang siyasatin at ipagtanong ay kanilang sinabi, "Si Gideon na anak ni Joas ang gumawa ng bagay na ito." Nang magkagayo'y sinabi ng mga taong bayan kay Joas, "Ilabas mo ang iyong anak upang siya'y mamatay, sapagkat kanyang winasak ang dambana ni Baal, at kanyang pinutol ang sagradong postee na katabi niyon." Ngunit sinabi ni Joas sa lahat ng nakatayong laban sa kanya, "Ipaglalaban ba ninyo si Baal? O ipagtatanggol ba ninyo siya? Sinumang magtanggol sa kanya ay papatayin sa kinaumagahan. Kung siya'y diyos hayaan ninyong ipagtanggol niya ang kanyang sarili, sapagkat ibinagsak ang kanyang dambana." Kaya't nang araw na iyon, si Gideon ay tinawag na Jerubaal, na ang ibig sabihin ay, "Magsanggalang si Baal laban sa kanya," sapagkat ibinagsak niya ang kanyang dambana. Nang magkagayo'y lahat ng mga Midianita, mga Amalekita at ang mga taga-silangan ay nagpulong; at pagtawid sa Jordan ay nagkampo sila sa Libis ng Jezreel. Ngunit lumukob ang Espiritu ng PANGINOON kay Gideon; at hinipan niya ang trumpeta, at ang mga Abiezerita ay tinawag upang sumunod sa kanya. At nagpadala siya ng mga sugo sa buong Manases, at sila rin ay tinawagan upang sumunod sa kanya. Siya'y nagpadala ng mga sugo sa Aser, Zebulon, at Neftali, at sila'y umaihon upang salubungin sila. Pagkatapos, sinabi ni Gideon sa Diyos, "Kung iyong ililigtas ang Israel sa pamamagitan ng aking kamay, gaya ng iyong sinabi, ilalagay ko ang isang balahibo ng tupa sa giikan; kung magkaroon ng hamog sa balat lamang, at maging tuyo ang buong lupa, ay malalaman ko nga na iyong ililigtas ang Israel sa pamamagitan ng aking kamay, gaya ng iyong sinabi." At gayon nga ang nangyari. Kinaumagahan, nang siya'y maagang bumangon at pigain ang balat, nakapiga siya ng hamog sa balahibo ng tupa na sapat na mapuno ng tubig ang isang mangkok. Sinabi ni Gideon sa Diyos, "Huwag mag-alab ang iyong galit laban sa akin, hayaan mong magsalita ako nang minsan pa. Ipasubok mo pa sa aking minsan sa pamamagitan ng balahibo. Tuyuin mo ngayon ang balahibo lamang, at sa buong lupa ay magkaroon ng hamog." Gayon ang ginawa ng Diyos nang gabing iyon, sapagkat ang balat lamang ang tuyo, at nagkaroon ng hamog sa buong lupa. Pagkatapos, si Jerubaal, samakatuwid ay si Gideon, at ang lahat ng mga taong kasama niya ay maagang bumangon, at nagkampo sa tabi ng bukal ng Harod. Ang kampo ng Midian ay nasa dakong hilaga nila, sa may burol ng More, sa Iibis. Sinabi ng PANGINOON kay Gideon, "Ang mga taong kasama mo ay lubhang napakarami upang aking ibigay ang mga Midianita sa kanilang kamay. Baka ang Israel ay magmalaki laban sa akin, na sinasabi, 'Ang sarili kong kamay ang nagligtas sa akin.' Kaya't ngayo'y ipahayag mo sa pandinig ng mga tao, 'Sinumang matatakutin at nanginginig ay umuwi na sa bahay.'" At sinubok sila ni Gideon, umuwi ang dalawampu't dalawang libo, at naiwan ang sampung libo. Sinabi ng PANGINOON kay Gideon, "Napakarami pa rin ng tao, dalhin mo sila sa tubig at doo'y aking susubukin sila para sa iyo. Sinumang aking sabihin sa iyo, 'Ang taong ito ay sasama sa iyo;' iyon ang sasama sa iyo; at ang sinumang sabihin ko sa iyo, 'Ang taong ito ay hindi sasama sa iyo,' iyon ay hindi sasama sa iyo." Kaya't kanyang dinala ang mga tao sa tubig; at sinabi ng PANGINOON kay Gideon, "Bawat uminom ng tubig sa pamamagitan ng kanyang dila, gaya ng pag-inom ng aso, ay iyong ihihiwalay; gayundin ang bawat lumuhod upang uminom." Ang bilang ng mga uminom, na inilagay ang kanilang kamay sa kanilang bibig, ay tatlong daang lalaki; ngunit ang lahat ng nalabi sa mga tao ay lumuhod upang uminom ng tubig. At sinabi ng PANGINOON kay Gideon, "Sa pamamagitan ng tatlong daang lalaking uminom ay ililigtas ko kayo, at ibibigay ko ang mga Midianita sa iyong kamay; at ang iba ay pauwiin mo na sa kanya-kanyang bahay." Kaya't kumuha ang mga tao ng mga pagkain at ng kanilang mga trumpeta at kanyang sinugo ang lahat ng mga lalaki sa Israel sa kanya-kanyang tolda, ngunit itinira ang tatlong daang lalaki. Ang kampo ng Midian ay nasa ibaba niya sa Iibis. Nang gabing iyon ay sinabi ng PANGINOON sa kanya, "Bumangon ka, lusungin mo ang kampo, sapagkat aking ibinigay na ito sa iyong kamay. Ngunit kung natatakot kang lumusong, lumusong ka sa kampo na kasama si Pura na iyong lingkod. Iyong maririnig kung ano ang kanilang sinasabi, at pagkatapos ang iyong mga kamay ay palalakasin upang masalakay mo ang kampo." Nang magkagayo'y lumusong siyang kasama si Pura na kanyang lingkod sa himpilan ng mga lalaking may sandata na nasa kampo. Ang mga Midianita at ang mga Amalekita at ang lahat ng mga taga-silangan ay nakakalat salibis na parang balang sa dami; at ang kanilang mga kamelyo ay di mabilang na gaya ng buhangin sa tabi ng dagat. Nang dumating si Gideon, may isang lalaki na nagsasalaysay ng isang panaginip sa kanyang kasama, at kanyang sinabi, "Nagkaroon ako ng isang panaginip. May isang munting tinapay na sebada na gumulong patungo sa kampo ng Midian at umabot sa tolda. Tinamaan ang tolda at iyon ay bumagsak, bumaliktad, at ito'y nawasak." At sumagot ang kanyang kasama, "Ito'y wala nang iba kundi ang tabak ni Gideon, na anak ni Joas. Siya'y isang lalaking Israelita at sa kanyang kamay ibinigay ng Diyos ang Midian at ang buong hukbo." Nang marinig ni Gideon ang salaysay tungkol sa panaginip, at ang kahulugan niyon, siya'y bumalik sa kampo ng Israel, at sinabi, "Tumindig kayo! Ibinigay na ng PANGINOON sa inyong kamay ang hukbo ng Midian." Hinati niya ang tatlong daang lalaki sa tatlong pulutong, at kanyang nilagyan ang mga kamay nilang lahat ng mga trumpeta, at mga bangang walang laman at mga sulo sa loob ng mga banga. At kanyang sinabi sa kanila, "Masdan ninyo ako, at gayundin ang inyong gawin. Pagdating ko sa may hangganan ng kampo, ay gawin ninyo kung ano ang aking gagawin. Kapag hinipan ko at ng lahat ng kasama ko ang trumpeta, ang mga trumpeta sa lahat ng panig ng kampo ay hihipan din, at isigaw ninyo, 'Para sa PANGINOON at para kay Gideon.'" Kaya't si Gideon at ang isandaang lalaking kasama niya ay nakarating sa mga hangganan ng kampo sa pasimula ng pagbabantay sa hatinggabi nang halos kahahalili pa lamang ng bantay. Kanilang hinipan ang mga trumpeta at binasag ang mga banga na nasa kanilang mga kamay. Hinipan ng tatlong pulutong ang mga trumpeta at binasag ang mga banga, na hawak ang mga sulo sa kanilang kaliwang kamay, at ang mga trumpeta sa kanilang kanang kamay na kanilang hinihipan, at sila'y nagsigawan, "Ang tabak para sa PANGINOON at kay Gideon!" Bawat isa ay nakatayo sa kanya-kanyang lugar sa palibot ng kampo, at ang buong hukbo ay nagtakbuhan; sila'y sumigaw at tumakas. Nang kanilang hipan ang tatlong daang trumpeta, pinapaglaban ng PANGINOON ang mga kaaway laban sa isa't isa, at laban sa buong hukbo; at tumakas ang hukbo hanggang sa Bet-sita sa dakong Zerera, hanggang sa hangganan ng Abel-mehola, sa tabi ng Tabat. At ang hukbo ng Israel ay tinipon mula sa Neftali, sa Aser, at sa buong Manases, at kanilang hinabol ang Midian. Nagpadala si Gideon ng mga sugo sa lahat ng lupaing maburol ng Efraim, na sinasabi, "Lusungin ninyo ang Midian, at abangan ninyo sila sa tubig, hanggang sa Bet-bara, at gayundin ang Jordan." Sa gayo'y ang lahat ng mga lalaki ng Efraim ay tinipon, at inagapan ang tubig hanggang sa Bet-bara, at ang Jordan. Kanilang hinuli ang dalawang prinsipe ng Midian, sina Oreb at Zeeb. Sa kanilang pagtugis sa Midian, pinatay nila si Oreb sa bato ni Oreb at si Zeeb sa pisaan ng ubas ni Zeeb. Kanilang dinala ang mga ulo nina Oreb at Zeeb kay Gideon sa kabilang Jordan. Sinabi ng mga lalaki ng Efraim sa kanya, "Ano itong ginawa mo sa amin at hindi mo kami tinawag nang ikaw ay makipaglaban sa Midian?" At siya'y pinagsalitaan nila nang marahas. At sinabi niya sa kanila, "Ano ang aking ginawa kung ihahambing sa inyo? Di ba mas mainam ang pamumulot ng ubas ng Efraim kaysa pag-aani ng Abiezer? Ibinigay ng Diyos sa inyong mga kamay ang mga prinsipe ng Midian, sina Oreb at Zeeb; ano ang aking magagawa kung ihahambing sa inyo?" Nang magkagayo'y humupa ang kanilang galit sa kanya nang kanyang masabi ito. Si Gideon ay dumating sa Jordan at siya'y tumawid. Siya at ang tatlong daang lalaki na kasama niya ay nanghihina na ngunit nagpapatuloy pa. Kaya't sinabi niya sa mga lalaki sa Sucot, "Humihiling ako sa inyong bigyan ninyo ng mga tinapay ang mga taong sumusunod sa akin; sapagkat sila'y nanghihina at aking tinutugis sina Zeba at Zalmuna na mga hari ng Midian." Ngunit sinabi ng mga pinuno sa Sucot, "Nasa iyo na bang kamay ngayon ang mga kamay nina Zeba at Zalmuna, upang bigyan namin ng tinapay ang iyong hukbo?" At sinabi ni Gideon, "Kung gayon, kapag ibinigay na ng PANGINOON sina Zeba at Zalmuna sa aking kamay, ay aking yuyurakan ang inyong laman sa mga tinik sa ilang at sa mga dawag." Mula roon ay umahon siya sa Penuel, at gayundin ang sinabi niya sa kanila, at sinagot siya ng mga lalaki sa Penuel na gaya ng isinagot ng mga lalaki sa Sucot. At sinabi naman niya sa mga lalaki sa Penuel, "Kapag ako'y bumalik nang payapa ay aking ibabagsak ang toreng ito." Noon sina Zeba at Zalmuna ay nasa Karkor, kasama ang kanilang mga hukbo na may labinlimang libong lalaki. Sila ang nalabi sa buong hukbo ng mga taga-silangan, sapagkat napatay na ang isandaan at dalawampung libong lalaki na humahawak ng tabak. Kaya't si Gideon ay umahon sa daan ng mga naninirahan sa mga tolda sa silangan ng Noba at Jog-beha, at sinalakay ang hukbo, sapagkat ang hukbo ay hindi nagbabantay. Sina Zeba at Zalmuna ay tumakas; at kanyang tinugis sila at kanyang nahuli ang dalawang hari ng Midian, na sina Zeba at Zalmuna, anupa't nagkagulo ang buong hukbo. Nang si Gideon na anak ni Joas ay bumalik mula sa pakikipaglaban sa pamamagitan ng daang-paakyat sa Heres, nahuli niya ang isang kabataang lalaking taga-Sucot at siya ay inusisa ni Gideon. Itinala niya sa mga pinuno at matatanda sa Sucot, pitumpu't pitongkatao. Pagkatapos, pumunta siya sa mga lalaki sa Sucot, at sinabi, "Narito sina Zeba at Zalmuna. Tungkol sa kanila ay inyo akong tinuya, na inyong sinasabi, 'Nasa iyo na bang kamay ngayon ang mga kamay nina Zeba at Zalmuna, upang bigyan namin ng tinapay ang iyong mga tauhang pagod?'" Kanyang kinuha ang matatanda sa bayan, at kumuha siya ng mga tinik mula sa ilang at ng mga dawag, at sa pamamagitan ng mga iyon ay kanyang tinuruan ang mga lalaki sa Sucot. Kanyang ibinagsak ang tore ng Penuel, at pinatay ang mga lalaki sa lunsod. Pagkatapos ay kanyang sinabi kina Zeba at Zalmuna, "Nasaan ang mga lalaking inyong pinatay sa Tabor?" Sila'y sumagot, "Kung ano ikaw ay gayon sila; bawat isa sa kanila; kahawig sila ng mga anak ng hari." At kanyang sinabi, "Sila'y aking mga kapatid, mga anak na lalaki ng aking ina; buhay ang PANGINOON, kung inyong iniligtas silang buhay, hindi ko sana kayo papatayin." Kaya't sinabi niya kay Jeter na kanyang panganay, "Tumindig ka at patayin mo sila." Ngunit ang binata ay hindi bumunot ng tabak, sapagkat siya'y natakot, dahil siya'y bata pa. Nang magkagayo'y sinabi nina Zeba at Zalmuna, "Tumindig ka, at sugurin mo kami, sapagkat kung ano ang lalaki ay gayon ang kanyang lakas." Tumindig nga si Gideon at pinatay sina Zeba at Zalmuna, at kanyang kinuha ang mga hiyas na may hugis kalahating buwan na nasa mga leeg ng kanilang mga kamelyo. Pagkatapos ay sinabi ng mga lalaki ng Israel kay Gideon, "Mamuno ka sa amin, ikaw, ang iyong anak at ang iyong apo, sapagkat iniligtas mo kami sa kamay ng Midian." Sinabi ni Gideon sa kanila, "Hindi ako mamumuno sa inyo, o mamumuno man ang aking anak sa inyo. Ang PANGINOON ang mamumuno sa inyo." Sinabi ni Gideon sa kanila, "Mayroon akong kahilingan sa inyo. Ibigay ng bawat isa sa inyo sa akin ang mga hikaw na kanyang samsam." (Sapagkat sila'y may mga gintong hikaw, dahil sa sila'y mga Ismaelita.) At sumagot sila, "Ibibigay namin nang kusa ang mga ito." Sila'y naglatag ng isang balabal, at inilagay roon ng bawat isa ang mga hikaw na kanyang samsam. Ang timbang ng mga gintong hikaw na kanyang hiniling ay isang libo at pitong daang siklong ginto, bukod pa ang mga hiyas na may anyong kalahating buwan, at ang mga hikaw at ang mga damit na kulay-ube na suot ng mga hari ng Midian, at bukod pa ang mga tanikala na nasa leeg ng kanilang mga kamelyo. Ginawa ito ni Gideon na isang efod at inilagay sa kanyang lunsod, sa Ofra; at ang buong Israel ay naging babaing haliparot na sumusunod doon at ito'y naging bitag kay Gideon at sa kanyang sambahayan. Gayon napasuko ang Midian sa harap ng mga anak ni Israel, at hindi na nila nakaya pang lumaban.? At ang lupain ay nagpahinga ng apatnapung taon sa mga araw ni Gideon. Si Jerubaal na anak ni Joas ay humayo at nanirahan sa kanyang sariling bahay. Nagkaroon si Gideon ng pitumpung anak, mga sarili niyang binhi, sapagkat marami siyang asawa. Ang kanyang asawang-lingkod na nasa Shekem ay nagkaanak naman sa kanya ng isang lalaki, at kanyang tinawag ang pangalan niya na Abimelec. Si Gideon na anak ni Joas ay namatay na may katandaan at inilibing sa libingan ni Joas na kanyang ama, sa Ofra ng mga Abiezerita. Pagkamatay ni Gideon, ang mga anak ni Israel ay bumalik at sumamba sa mga Baal, at kanilang ginawang diyos nila ang Baal-berit. At hindi naalala ng mga anak ni Israel ang PANGINOON nilang Diyos na nagligtas sa kanila sa kamay ng lahat nilang mga kaaway sa buong palibot. Hindi sila nagpakita ng kabutihan sa sambahayan ni Jerubaal, samakatuwid ay si Gideon, bilang ganti sa lahat ng kabutihan na kanyang ipinakita sa Israel. Si Abimelec na anak ni Jerubaal ay nagtungo sa Shekem sa mga kapatid ng kanyang ina, at sinabi sa kanila at sa buong angkan ng sambahayan ng kanyang ina, "Sabihin ninyo sa pandinig ng lahat ng mga lalaki sa Shekem, 'Alin ang mas mabuti para sa inyo, na lahat ng pitumpung anak na lalaki ni Jerubaal ay mamuno sa inyo, o isa ang mamuno sa inyo?' Alalahanin din naman ninyo na ako ay inyong buto at inyong laman." At sinalita ng mga kamag-anak ng kanyang ina ang lahat ng mga salitang ito sa pandinig ng lahat ng mga lalaki sa Shekem, at ang kanilang puso ay sumunod kay Abimelec, sapagkat kanilang sinabi, "Siya'y ating kapatid." Kanilang binigyan siyang pitumpung pirasong pilak mula sa templo ni Baal-berit, na siyang iniupa ni Abimelec sa mga taong bandido at mga palaboy, na ang mga ito'y ang sumunod sa kanya. Siya'y naparoon sa bahay ng kanyang ama sa Ofra, at pinatay ang kanyang mga kapatid na mga anak ni Jerubaal, na pitumpung katao, sa ibabaw ng isang bato. Ngunit si Jotam na bunsong anak ni Jerubaal ay nalabi, sapagkat siya'y nagtago. Lahat ng mga lalaki sa Shekem ay nagtipun-tipon pati ang buong Bet-milo. Sila'y humayo at kanilang ginawang hari si Abimelec, sa tabi ng ensina ng haliging nasa Shekem. Nang ito ay napabalita kay Jotam, siya'y humayo at tumayo sa tuktokng bundok Gerizim, at pasigaw na sinabi sa kanila, "Pakinggan ninyo ako, kayong mga lalaki sa Shekem, upang pakinggan kayo ng Diyos. Minsan, ang mga punungkahoy ay humayo upang magtalaga ng hari sa kanila; at kanilang sinabi sa puno ng olibo, 'Maghari ka sa amin.' Ngunit sinabi ng puno ng olibo sa kanila, 'Akin bang iiwan ang aking katabaan, na nakapagpaparangal sa mga diyos at sa mga tao, upang makipagsayawan sa mga punungkahoy?' At sinabi ng mga punungkahoy sa puno ng igos, 'Halika, at maghari ka sa amin.' Ngunit sinabi ng puno ng igos sa kanila, Akin bang iiwan ang aking katamisan at ang aking mabuting bunga, at hahayo upang makipagsayawan sa mga punungkahoy?' At sinabi ng mga punungkahoy sa ubas, 'Halika, at maghari ka sa amin.' Ngunit sinabi ng ubas sa kanila, 'Akin bang iiwan ang aking alak na nagpapasaya sa mga diyos at sa mga tao, at hahayo upang makipagsayawan sa mga punungkahoy?' Pagkatapos ay sinabi ng lahat ng mga punungkahoy sa dawag, 'Halika, at maghari ka sa amin.' At sinabi ng dawag sa mga punungkahoy, 'Kung tunay na ako'y inyong itinatalagang hari sa inyo, pumarito nga kayo at manganlong kayo sa aking lilim. Kung hindi, hayaan ninyong lumabas ang apoy sa dawag at lamunin ang mga sedro ng Lebanon.' "Ngunit ngayon, kung tapat at matuwid ninyong ginawang hari si Abimelec, at kung nakitungo kayo ng mabuti kay Jerubaal at sa kanyang sambahayan, at kayo'y gumawa sa kanya ng marapat sa kanyang mga gawa, sapagkat ipinaglaban kayo ng aking ama at isinuong ang kanyang buhay, at iniligtas kayo sa kamay ng Midian, at kayo'y bumangon laban sa sambahayan ng aking ama sa araw na ito, at pinatay ninyo ang kanyang mga anak, na pitumpung lalaki sa ibabaw ng isang bato, at ginawa ninyong hari si Abimelec, na anak ng kanyang asawang-lingkod, sa mga mamamayan sa Shekem, sapagkat siya'y inyong kapatid, kung tapat nga at matuwid na kayo'y gumanti kay Jerubaal at sa kanyang sambahayan sa araw na ito, magalak nga kayo kay Abimelec at magalak naman siya sa inyo. Ngunit kung hindi, ay lumabas ang apoy mula kay Abimelec, at lamunin ang mga mamamayan ng Shekem, at Bet-milo; at lumabas ang apoy sa mga mamamayan ng Shekem, at Bet-milo at lamunin si Abimelec." Pagkatapos, si Jotam ay patakbong tumakas, nagtungo sa Beer at nanirahan doon dahil sa takot kay Abimelec na kanyang kapatid. Si Abimelec ay namuno sa Israel sa loob ng tatlong taon. At nagsugo ang Diyos ng isang masamang espiritu sa pagitan ni Abimelec at ng mga lalaki sa Shekem; at ang mga lalaki sa Shekem ay nagtaksil kay Abimelec. Ito ay nangyari upang ang karahasan na ginawa sa pitumpung anak ni Jerubaal ay maipaghiganti,' at ang kanilang dugo ay singilin kay Abimelec na kanilang kapatid, na siyang pumatay sa kanila, at sa mga lalaki sa Shekem na nagpalakas ng kanyang mga kamay upang patayin ang kanyang mga kapatid. Kaya't tinambangan siya ng mga lalaki sa Shekem sa mga tuktok ng mga bundok; kanilang pinagnakawan ang lahat na dumaan sa daang iyon at ibinalita ito kay Abimelec. Nang dumating sa Shekem si Gaal na anak ni Ebed na kasama ang kanyang mga kapatid, inilagak ng mga lalaki sa Shekem ang kanilang tiwala sa kanya. Sila'y lumabas sabukid,namitas sa kanilang mga ubasan, pinisa, at nagpista. Pagkatapos ay pumasok sila sa bahay ng kanilang diyos, nagkainan at nag-inuman, at nilait si Abimelec. At sinabi ni Gaal na anak ni Ebed, "Sino ba si Abimelec at sino ba tayo sa Shekem, upang ating paglingkuran siya? Hindi ba ang anak ni Jerubaal at si Zebul na kanyang pinuno ay naglingkod sa mga tauhan ni Hamor na ama ni Shekem? Bakit tayo maglilingkod sa kanya? Sana ang bayang ito'y mapasailalim ng aking kamay. Kung magkagayon aking paaalisin si Abimelec. Sasabihin ko sa kanya, 'Dagdagan mo ang iyong kawal at lumabas ka.'" Nang marinig ni Zebul na pinuno ng lunsod ang mga salita ni Gaal na anak ni Ebed, ay nagningas ang kanyang galit. At nagpadala siya ng mga sugo kay Abimelec, na nagsabi, "Si Gaal na anak ni Ebed at ang kanyang mga kapatid ay naparoon sa Shekem; at kanilang sinusulsulan/ ang lunsod laban sa iyo. Kaya't ngayon, umalis kayo sa gabi, ikaw at ang mga lalaking kasama mo, at mag-abang kayo sa bukid. Kinaumagahan, pagsikat ng araw, ay maaga kang bumangon at lusubin mo ang lunsod. Kapag siya at ang mga taong kasama niya ay lumabas laban sa iyo, ay magagawa mo sa kanila ang hinihingi ng pagkakataon." Kinagabihan si Abimelec at ang lahat ng apat na pulutong ng mga lalaking kasama niya ay nag-abang sa Shekem. Lumabas si Gaal na anak ni Ebed at tumayo sa pasukan ng pintuang-bayan. Si Abimelec at ang mga taong kasama niya ay tumindig sa pananambang. Nang sila ay makita ni Gaal, kanyang sinabi kay Zebul, "May mga lalaking bumababa mula sa mga tuktok ng bundok!" Sinabi ni Zebul sa kanya, "Ang iyong nakikita'y mga anino ng mga bundok na parang mga lalaki." Nagsalita uli si Gaal, "Tingnan mo, may mga lalaking bumababa mula sa kalagitnaan ng lupain, at ang isang pulutong ay dumarating mula sa daan ng ensina ng Meonenim." Nang magkagayo'y sinabi ni Zebul sa kanya, "Nasaan ngayon ang iyong bibig, na iyong sinabi, 'Sino ba si Abimelec upang tayo'y magling-kod sa kanya?' Hindi ba ito ang mga taong iyong hinamak? Lumabas ka ngayon at lumaban sa kanila." At lumabas si Gaal sa unahan ng mga lalaki ng Shekem, at nilabanan si Abimelec. Hinabol siya ni Abimelec at siya'y tumakas sa harap niya, at maraming nabuwal na sugatan hanggang sa pasukan ng pintuang-bayan. Kaya't si Abimelec ay nanirahan sa Aruma; at pinalayas ni Zebul si Gaal at ang kanyang mga kapatid, kaya't sila'y hindi makapanirahan sa Shekem. Nang sumunod na araw ang mga tao ay lumabas sa parang at ibinalita ito kay Abimelec. Kinuha niya ang kanyang mga tauhan at hinati niya sa tatlong pangkat, at nagbantay sa parang. Siya'y tumingin, at kanyang nakita na ang mga tao ay lumalabas sa bayan, siya ay bumangon laban sa kanila at pinatay sila. Si Abimelec at ang pangkat na kasama niya ay sumugod at tumayo sa pasukan ng pintuan ng lunsod, habang ang dalawang pulutong ay sumusugod doon sa lahat ng nasa bukid, at sila'y pinatay nila. Lumaban si Abimelec sa lunsod nang buong araw na iyon. Kanyang sinakop ang lunsod, at pinatay ang mga taong nasa loob niyon. Kanyang giniba ang lunsod at sinabuyan ng asin. Nang mabalitaan iyon ng lahat ng mga lalaki sa Tore ng Shekem, pumasok sila sa kuta ng bahay ng Elberit. Ibinalita kay Abimelec na ang lahat ng mga tao sa Tore ng Shekem ay nagtitipon. Kaya't umakyat si Abimelec sa bundok ng Zalmon at ang mga lalaking kasama niya. Kumuha si Abimelec ng isang palakol, at pumutol ng isang bigkis ng mga kahoy at ipinasan sa kanyang balikat. At sinabi niya sa mga taong kasama niya, "Kung ano ang nakita ninyong ginagawa ko, magmadali kayo, at gawin ninyo ang aking ginawa." Kaya't bawat isa sa mga tao ay pumutol ng kanya-kanyang bigkis, at sumunod kay Abimelec. Ipinaglalagay nila iyon sa kuta, at sinunog ang kuta sa pamamagitan niyon. Kaya't ang lahat ng mga tao sa Tore ng Shekem ay namatay rin, na may mga isang libong lalaki at babae. Pagkatapos ay pumunta si Abimelec sa Tebez, at nagkampo laban sa Tebez, at sinakop iyon. Ngunit may isang matibay na tore sa loob ng lunsod, at tumakas ang lahat ng lalaki at babae at ang lahat ng nasa lunsod at pinagsarhan ang kanilang sarili doon. Pagkatapos ay umakyat sila sa bubungan ng tore. Pumunta si Abimelec sa tore at lumaban, at lumapit sa pintuan ng tore upang sunugin iyon ng apoy. Ngunit may isang babae na naghagis ng isang pang-ibabaw na bato ng gilingan sa ulo ni Abimelec at nabasag ang kanyang bungo. Nang magkagayo'y dali-dali niyang tinawag ang kabataang lalaki na kanyang tagadala ng sandata, at sinabi niya sa kanya, "Bunutin mo ang iyong tabak, at patayin mo ako, baka sabihin tungkol sa akin ng mga tao, 'Isang babae ang pumatay sa kanya.'" At sinaksak siya ng kanyang batang tauhan, at siya'y namatay. Nang makita ng Israel na patay na si Abimelec, umuwi ang bawat lalaki sa kanya-kanyang bahay. Gayon pinagbayad ng Diyos si Abimelec sa kasamaang ginawa niya sa kanyang ama, sa pagpatay sa kanyang pitumpung kapatid. At ang buong kasamaan ng mga lalaki sa Shekem ay ipinataw ng Diyos sa kanilang mga ulo; at dumating sa kanila ang sumpa ni Jotam na anak ni Jerubaal. Pagkatapos ni Abimelec, bumangon upang iligtas ang Israel si Tola na anak ni Pua, na anak ni Dodo, na lalaking mula sa Isacar; at siya'y nanirahan sa Samir sa lupaing maburol ng Efraim. Siya'y naghukom sa Israel ng dalawampu't tatlong taon; pagkatapos siya'y namatay at inilibing sa Samir. Pagkatapos niya'y bumangon si Jair na Gileadita; na naghukom sa Israel nang dalawampu't dalawang taon. Siya'y may tatlumpung anak na lalaki na sumasakay sa tatlumpung asno, at sila'y may tatlumpung lunsod na tinatawag na Havot-jair hanggang sa araw na ito, na nasa lupain ng Gilead. At namatay si Jair at inilibing sa Camon. Ginawa uli ng mga anak ni Israel ang kasamaan sa paningin ng PANGINOON, at naglingkod sa mga Baal, kay Astarte, sa mga diyos ng Siria, Sidon, Moab, ng mga Ammonita at sa mga diyos ng mga Filisteo; at pinabayaan nila ang PANGINOON at hindi naglingkod sa kanya. Kaya't ang galit ng PANGINOON ay nagningas laban sa Israel, at kanyang ipinagbili sila sa kamay ng mga Filisteo at ng mga anak ni Ammon. Kanilang pinahirapan at inapi ang mga anak ni Israel nang taong iyon. Labingwalong taon nilang pinahirapan ang lahat ng mga anak ni Israel na nasa dako roon ng Jordan sa lupain ng mga Amoreo, na nasa Gilead. Ang mga anak ni Ammon ay tumawid sa Jordan upang labanan din ang Juda, ang Benjamin, at ang sambahayan ni Efraim; anupa't ang Israel ay lubhang nahirapan. Kaya't dumaing ang mga anak ni Israel sa PANGINOON, "Kami ay nagkasala laban sa iyo, sapagkat aming pinabayaan ang aming Diyos, at kami ay naglingkod sa mga Baal." At sinabi ng PANGINOON sa mga anak ni Israel, "Hindi ba't iniligtas ko kayo mula sa mga Ehipcio, sa mga Amoreo, sa mga anak ni Ammon, at sa mga Filisteo? Gayundin ang mga Sidonio, mga Amalekita, at ang mga Maonita ay nagpahirap sa inyo. Kayo'y dumaing sa akin, at iniligtas ko kayo sa kanilang mga kamay. Gayunma'y pinabayaan ninyo ako, at kayo'y naglingkod sa ibang mga diyos, kaya't hindi ko na kayo ililigtas. Humayo kayo at dumaing sa mga diyos na inyong pinili; hayaang iligtas nila kayo sa panahon ng inyong kapighatian." At sinabi ng mga anak ni Israel sa PANGINOON, "Kami ay nagkasala. Gawin mo sa amin ang anumang gusto mo, iligtas mo lamang kami sa araw na ito." Kaya't kanilang inalis sa kanila ang ibang mga diyos, at naglingkod sa PANGINOON at ang kanyang kaluluwa ay nagdalamhati dahil sa kapighatian ng Israel. Pagkatapos ang mga anak ni Ammon ay nagtipon, at nagkampo sa Gilead. At ang mga anak ni Israel ay nagtitipon, at nagkampo sa Mizpa. Ang taong-bayan, at ang mga pinuno sa Gilead ay nag-usap, "Sino ang lalaking magpapasimulang lumaban sa mga anak ni Ammon? Siya'y magiging pinuno sa lahat ng taga-Gilead." Si Jefta na Gileadita ay isang malakas na mandirigma, ngunit siya'y anak ng isang upahang babae. Si Gilead ang ama ni Jefta. Ang asawa ni Gilead ay nagkaanak sa kanya ng mga lalaki. Nang lumaki ang mga anak ng kanyang asawa ay kanilang pinalayas si Jefta, at sinabi nila sa kanya, "Ikaw ay hindi magmamana sa sambahayan ng aming ama sapagkat ikaw ay anak ng ibang babae." Nang magkagayo'y tumakas si Jefta sa kanyang mga kapatid, at tumira sa lupain ng Tob. Doon ay nakasama ni Jefta ang mga lalaking bandido at sumasalakay na kasama niya. Pagkaraan ng ilang panahon, ang mga anak ni Ammon ay nakipagdigma sa Israel. Nang lumaban ang mga anak ni Ammon sa Israel, ang mga matanda sa Gilead ay naparoon upang sunduin si Jefta mula sa lupain ng Tob. At kanilang sinabi kay Jefta, "Halika't ikaw ang maging pinuno namin upang kami ay makalaban sa mga anak ni Ammon." Subalit sinabi ni Jefta sa matatanda sa Gilead, "Di ba kayo'y napoot sa akin at pinalayas ninyo ako sa bahay ng aking ama? Kung gayo'y bakit kayo naparito sa akin ngayong kayo'y nasa paghihirap?" At sinabi ng matatanda sa Gilead kay Jefta, "Kaya kami ay bumabalik sa iyo ngayon ay upang makasama ka namin, at makipaglaban sa mga anak ni Ammon, at ikaw ay magiging pinuno naming lahat na taga-Gilead." Sinabi ni Jefta sa mga matanda sa Gilead, "Kung pauuwiin ninyo ako upang makipaglaban sa mga anak ni Ammon, at ibigay sila ng PANGINOON sa harap ko, magiging pinuno ba ninyo ako?" At sinabi kay Jefta ng matatanda sa Gilead, "Ang PANGINOON ang maging saksi natin. Tiyak na aming gagawin ang ayon sa iyong salita." Kaya't si Jefta ay umalis na kasama ng matatanda sa Gilead, at ginawa nila siyang pinuno at sinabi ni Jefta sa Mizpa ang lahat ng kanyang salita sa harap ng PANGINOON. At nagpadala si Jefta ng mga sugo sa hari ng mga anak ni Ammon, na nagsasabi, "Anong mayroon ka laban sa akin, na ikaw ay naparito sa akin upang lumaban sa aking lupain?" Sinagot ng hari ng mga anak ni Ammon ang mga sugo ni Jefta, "Sapagkat sinakop ng Israel ang aking lupain nang siya'y umahon galing sa Ehipto, mula sa Arnon hanggang sa Jaboc, at hanggang sa Jordan. Kaya't ngayo'y isauli mo nang payapa ang mga lupaing iyon." Muling nagpadala si Jefta ng mga sugo sa hari ng mga anak ni Ammon. At kanyang sinabi sa kanya, "Ganito ang sabi ni Jefta, Hindi inagaw ng Israel ang lupain ng Moab, o ang lupain ng mga anak ni Ammon; kundi nang sila'y umahon mula sa Ehipto, ang Israel ay naglakad sa ilang hanggang sa Dagat na Pula, at dumating sa Kadesh, Nagpadala noon ang Israel ng mga sugo sa hari sa Edom, na nagsasabi, 'Ipinapakiusap ko sa iyong paraanin mo ako sa iyong lupain,' ngunit hindi ito pinakinggan ng hari ng Edom. Nagsugo siya sa hari ng Moab. Ngunit tumanggi siya at ang Israel ay tumahan sa Kadesh. Nang magkagayo'y naglakad sila sa ilang at lumigid sa lupain ng Edom at Moab. Dumaan sila sa dakong silangan ng lupain ng Moab, at sila'y humantong sa kabilang dako ng Arnon, ngunit hindi sila pumasok sa hangganan ng Moab sapagkat ang Arnon ay siyang hangganan ng Moab. Nagpadala noon ang Israel ng mga sugo kay Sihon na hari ng mga Amoreo, na hari sa Hesbon; at sinabi ng Israel sa kanya, 'Ipinapakiusap namin sa iyo na paraanin mo kami sa iyong lupain hanggang sa aming dakong patutunguhan.' Ngunit si Sihon ay hindi nagtiwala na paraanin ang Israel sa kanyang nasasakupan, kaya't pinisan ni Sihon ang kanyang buong bayan, at nagkampo sa Jahaz, at lumaban sa Israel. At ibinigay ng PANGINOON, ng Diyos ng Israel si Sihon at ang kanyang buong bayan sa kamay ng Israel, at kanilang tinalo sila. Sa gayo'y inangkin ng Israel ang buong lupain ng mga Amoreo na nanirahan sa lupaing iyon. Kanilang inangkin ang buong nasasakupan ng mga Amoreo, mula sa Arnon hanggang sa Jaboc, at mula sa ilang hanggang sa Jordan. Kaya ngayon ang ari-arian ng mga Amoreo sa harap ng bayang Israel ay inalis ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel, at iyo bang aariin ang mga iyan? Hindi mo ba aangkinin upang maging sa iyo ang ibinigay sa iyo ni Cemos na iyong diyos? Kaya sinumang inalisan ng PANGINOON naming Diyos ng ari-arian sa harap namin ay aming aangkinin. At ngayo'y mas magaling ka pa ba sa anumang paraan kay Balak na anak ni Zipor, na hari sa Moab? Siya ba'y nakipagdigma kailanman sa Israel o lumaban kaya sa kanila? Samantalang ang Israel ay naninirahan ng tatlong daang taon sa Hesbon at sa mga nayon nito, sa Aroer at sa mga nayon nito, at sa lahat ng mga bayang nasa pampang ng Arnon, bakit hindi ninyo binawi ang mga iyon sa loob ng panahong iyon? Hindi ako ang nagkasala laban sa iyo, kundi ikaw ang gumagawa ng masama sa pamamagitan ng pakikidigma mo sa akin. Ang PANGINOON, na siyang Hukom ang hahatol sa araw na ito sa mga anak ni Israel at sa mga anak ni Ammon." Ngunit hindi dininig ng hari ng mga Ammonita ang mga salita ni Jefta na ipinaabot sa kanya. Pagkatapos ang Espiritu ng PANGINOON ay dumating kay Jefta, at siya'y nagdaan sa Gilead at Manases, at nagdaan sa Mizpa ng Gilead, at mula sa Mizpa ng Gilead ay nagdaan siya sa mga Ammonita. At nagbitaw si Jefta ng isang panata sa PANGINOON, at nagsabi, "Kung iyong ibibigay ang mga Ammonita sa aking kamay, ay mangyayari na sinumang lumabas sa mga pintuan ng aking bahay upang sumalubong sa akin, sa aking pagbalik na mapayapa galing sa mga anak ni Ammon ay magiging sa PANGINOON, at iaalay ko iyon bilang handog na sinusunog." Sa gayo'y tinawid ni Jefta ang mga anak ni Ammon upang lumaban sa kanila; at sila'y ibinigay ng PANGINOON sa kanyang kamay. Sila'y pinagpapatay niya mula sa Aroer hanggang sa Minit, na may dalawampung lunsod, at hanggang sa Abel-keramim. Sa gayo'y nagapi ang mga anak ni Ammon sa harap ng mga anak ni Israel. Pagkatapos si Jefta ay umuwi sa kanyang bahay sa Mizpa. Ang kanyang anak na babae ay lumabas upang salubungin siya ng alpa at ng sayaw. Siya ang kanyang kaisa-isang anak at liban sa kanya'y wala na siyang anak na lalaki o babae man. Pagkakita niya sa kanya, kanyang pinunit ang kanyang damit at sinabi, "Anak ko! Pinababa mo akong lubos, at ikaw; ay isa sa mga bumabagabag sa akin sapagkat gumawa na ako ng panata sa PANGINOON, at hindi ko na mababawi." At sinabi niya sa kanya, "Ama ko, kung iyong ibinuka ang iyong bibig sa PANGINOON, gawin mo sa akin ang ayon sa lumabas sa iyong bibig; yamang ipinaghiganti ka ng PANGINOON sa iyong mga kaaway, samakatuwid ay sa mga Ammonita." Sinabi niya sa kanyang ama, "Hayaan mong gawin ang bagay na ito sa akin. Hayaan mo lamang ako ng dalawang buwan, upang ako'y humayo't gumala sa mga bundok at tangisan ko at ng aking mga kasama ang aking pagkabirhen." At kanyang sinabi, "Humayo ka." At siya'y kanyang pinaalis nang dalawang buwan. Siya at ang kanyang mga kasama ay umalis, at tinangisan ang kanyang pagkabirhen sa mga bundok. Sa katapusan ng dalawang buwan, siya'y nagbalik sa kanyang ama, at ginawa sa kanya ang ayon sa kanyang panata na kanyang binitiwan. Siya'y hindi kailanman nasipingan ng lalaki. At naging kaugalian sa Israel, na ang mga anak na babae ng Israel ay pumupunta taun-taon upang alalahanin ang anak ni Jefta na Gileadita, apat na araw sa loob ng isang taon. Ang mga lalaki ng Efraim ay nagtipon at tumawid patungo sa Zafon at sinabi nila kay Jefta, "Bakit ka tumawid upang lumaban sa mga anak ni Ammon, at hindi mo kami tinawag upang sumama sa iyo? Susunugin namin ang iyong bahay na kasama ka." Sinabi ni Jefta sa kanila, "Ako at ang aking bayan ay may matinding labanan sa mga anak ni Ammon; at nang tawagan ko kayo ay hindi ninyo ako iniligtas sa kanilang kamay. Nang makita ko na ako'y hindi ninyo iniligtas ay inilagay ko ang aking buhay sa aking kamay. Ako'y tumawid laban sa mga anak ni Ammon, at sila'y ibinigay ng PANGINOON sa aking kamay. Bakit kayo umahon dito sa akin sa araw na ito upang makipaglaban sa akin?" Nang magkagayo'y tinipon ni Jefta ang mga lalaki sa Gilead, at nakipaglaban sa Efraim. Ginapi ng mga lalaki ng Gilead ang Efraim, sapagkat kanilang sinabi, "Kayo'y mga takas sa Efraim, kayong mga Gileadita, sa gitna ng Efraim, at Manases." At sinakop ng mga Gileadita ang mga tawiran sa Jordan sa gitna ng mga Efraimita. At kapag sinabi ng mga takas sa Efraim na, "Paraanin mo ako," ay sinasabi ng mga lalaki ng Gilead sa kanya, "Ikaw ba'y Efraimita?" Kung kanyang sabihin, "Hindi," ay sinasabi nga nila sa kanya, "Sabihin mo ang Shibolet" at sinabi niya, "Sibolet;" sapagkat hindi niya mabigkas ito nang tama. Kaya't kanilang darakpin at papatayin siya sa mga tawiran ng Jordan. At ang napatay nang panahong iyon sa Efraim ay apatnapu't dalawang libo. Naghukom si Jefta sa Israel nang anim na taon. Pagkatapos ay namatay si Jefta na Gileadita, at inilibing sa kanyang lunsod sa Gilead. Pagkatapos niya, si Ibzan na taga-Bethlehem ang naghukom sa Israel. Siya'y mayroong tatlumpung anak na lalaki, at ang tatlumpung anak na babae ay kanyang pinapag-asawa sa labas ng kanyang angkan, at tatlumpung anak na babae naman ay kanyang ipinasok mula sa labas para sa kanyang mga anak na lalaki. At naghukom siya sa Israel nang pitong taon. Si Ibzan ay namatay at inilibing sa Bethlehem. Pagkatapos niya, si Elon na Zebulonita ay naghukom sa Israel; at naghukom siya sa Israel nang sampung taon. At si Elon na Zebulonita ay namatay, at inilibing sa Aijalon sa lupain ng Zebulon. Pagkatapos niya, si Abdon na anak ni Hillel na Piratonita ay naghukom sa Israel. Siya'y nagkaroon ng apatnapung anak na lalaki at tatlumpung apo na sumasakay sa pitumpung asno, at siya'y naghukom sa Israel nang walong taon. At si Abdon na anak ni Hillel na Piratonita ay namatay, at inilibing sa Piraton sa lupain ng Efraim, sa lupaing maburol ng mga Amalekita. Ang mga anak ni Israel ay muling gumawa ng kasamaan sa paningin ng PANGINOON; at ibinigay sila ng PANGINOON ng apatnapung taon sa kamay ng mga Filisteo. May isang lalaki sa Sora mula sa lipi ng mga Danita, na ang pangalan ay Manoa; at ang kanyang asawa ay baog, at hindi nagkaanak. At nagpakita ang anghel ng PANGINOON sa babae, at sinabi sa kanya, "Bagaman ikaw ay baog at walang anak, ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki. Mag-ingat ka, huwag kang iinom ng alak o ng inuming nakalalasing, at huwag kang kumain ng anumang bagay na marumi; ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki. Walang pang-ahit na daraan sa kanyang ulo sapagkat ang bata ay magiging Nazirita sa Diyos, mula sa sinapupunan, at kanyang pasisimulang iligtas ang Israel sa kamay ng mga Filisteo." Pagkatapos ang babae'y humayo at sinabi sa kanyang asawa, "Isang tao ng Diyos ang dumating sa akin, at ang kanyang anyo ay gaya ng anyo ng anghel ng Diyos na kagulat-gulat. Hindi ko naitanong kung saan siya nagmula, ni hindi niya sinabi sa akin ang kanyang pangalan. Ngunit sinabi niya sa akin, 'Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki. Kaya't huwag kang iinom ng alak o ng inuming nakalalasing at huwag kang kakain ng anumang maruming bagay, sapagkat ang bata'y magiging Nazirita sa Diyos mula sa sinapupunan hanggang sa araw ng kanyang kamatayan.'" Nang magkagayo'y nanalangin si Manoa sa PANGINOON, at sinabi niya, "Ipinapakiusap ko sa iyo, O PANGINOON, na pabalikin mo uli ang tao ng Diyos na iyong sinugo sa amin, at ituro sa amin kung ano ang aming gagawin sa batang ipapanganak." At dininig ng Diyos ang tinig ni Manoa. Nagbalik ang anghel ng Diyos sa babae habang siya'y nakaupo sa bukid, ngunit si Manoa na kanyang asawa ay hindi niya kasama. Nagmamadaling tumakbo ang babae, at sinabi sa kanyang asawa, "Ang lalaking naparito sa akin noong isang araw ay nagpakita sa akin." Tumindig si Manoa at sumunod sa kanyang asawa, at pumunta sa lalaki, at sinabi sa kanya, "Ikaw ba ang lalaking nagsalita sa babaing ito?" At kanyang sinabi, "Ako nga." Sinabi ni Manoa, "Kapag nagkatotoo ang iyong mga salita, ano ang magiging uri ng pamumuhay ng bata, at ano ang kanyang gagawin?" At sinabi ng anghel ng PANGINOON kay Manoa, "Sa lahat ng aking sinabi sa babae ay mag-ingat siya. Siya'y hindi maaaring kumain ng anumang bagay na nanggagaling sa ubasan. Hindi siya iinom ng alak o ng inuming nakalalasing, ni kakain ng anumang maruming bagay; lahat ng iniutos ko sa kanya ay sundin niya." Sinabi ni Manoa sa anghel ng PANGINOON, "Ipahintulot mong ikaw ay aming pigilin, upang maipaghanda ka namin ng isang batang kambing." At sinabi ng anghel ng PANGINOON kay Manoa, "Kahit na ako'y iyong pigilin, hindi ako kakain ng iyong pagkain, at kung ikaw ay maghahanda ng handog na sinusunog, ay iyong ihandog sa PANGINOON." (Sapagkat hindi nakilala ni Manoa na siya'y anghel ng PANGINOON.) Sinabi ni Manoa sa anghel ng PANGINOON, "Ano ang iyong pangalan, upang kapag nangyari ang iyong mga salita ay mabigyan ka namin ng karangalan?" Sinabi ng anghel ng PANGINOON sa kanya, "Bakit mo itinatanong ang aking pangalan? Ito ay totoong kagila-gilalas?" Kaya't kumuha si Manoa ng isang batang kambing at ng handog na butil, at inihandog sa PANGINOON sa ibabaw ng bato, at sa kanya na gumagawa ng kamangha-mangha, samantalang si Manoa at ang kanyang asawa ay nakamasid. Nang pumapailanglang sa langit ang apoy mula sa dambana, na ang anghel ng PANGINOON ay pumailanglang sa apoy ng dambana samantalang minamasdan ni Manoa at ng kanyang asawa; at sila'y nagpatirapa sa lupa. Hindi na muling nagpakita ang anghel ng PANGINOON kay Manoa at sa kanyang asawa. Pagkatapos ay nabatid ni Manoa na iyon ay anghel ng PANGINOON. At sinabi ni Manoa sa kanyang asawa, "Tiyak na tayo'y mamamatay, sapagkat ating nakita ang Diyos." Ngunit sinabi kay Manoa ng kanyang asawa," "Kung nalulugod ang PANGINOON na patayin tayo, hindi sana niya tinanggap ang handog na sinusunog at ang handog na butil sa ating kamay, ni ipinakita man sa atin ang lahat ng mga bagay na ito, ni sinabi man sa panahong ito ang mga bagay na gaya nito." Nanganak ang babae ng isang lalaki, at tinawag ang kanyang pangalan na Samson. At ang bata'y lumaki at pinagpala ng PANGINOON. Nagpasimulang kilusin siya ng Espiritu ng PANGINOON sa Mahanedan, sa pagitan ng Sora at Estaol. Lumusong si Samson sa Timna, at sa Timna ay nakita niya ang isa sa mga anak na babae ng mga Filisteo. At siya'y umahon at sinabi sa kanyang ama at ina, "Nakita ko ang isa sa mga anak na babae ng mga Filisteo sa Timna. Kunin ninyo siya ngayon upang mapangasawa ko." Ngunit sinabi sa kanyan g kanyang ama at ina, "Wala na bang babae sa mga anak ng iyong kapatid, o sa ating buong bayan, na ikaw ay hahayo upang kumuha ng asawa mula sa mga di-tuling Filisteo?" At sinabi ni Samson sa kanyang ama, "Kunin ninyo siya para sa akin, sapagkat siya'y kaakit-akit sa akin." Ngunit hindi alam ng kanyang ama at ng kanyang ina, na iyon ay mula sa PANGINOON; sapagkat siya'y humahanap ng pagkakataon laban sa mga Filisteo. Nang panahong iyon ay nangingibabaw ang mga Filisteo sa mga Israelita. Pagkatapos si Samson at ang kanyang ama at ina ay lumusong sa Timna. Nang siya'y dumating sa mga ubasan ng Tirana, may isang batang leon na umuungal laban sa kanya. Ang Espiritu ng PANGINOON ay makapangyarihang lumukob sa kanya, at niluray niya ng kanyang kamay lamang ang leon na parang lumuluray ng isang batang kambing. Ngunit hindi niya sinabi sa kanyang ama o sa kanyang ina kung ano ang kanyang ginawa. Pagkatapos siya'y lumusong at nakipag-usap sa babae, at siya'y lubhang nakakalugod kay Samson. Pagkaraan ng ilang panahon ay bumalik siya upang pakasalan ang babae, at siya'y lumiko upang tingnan ang bangkay ng leon. May isang kawan ng pukyutan at may pulot sa loob ng katawan ng leon. Dinukot niya ito ng kanyang kamay at humayo na kumakain habang siya'y lumalakad. Siya'y pumunta sa kanyang ama at ina, at sila'y binigyan niya nito, at sila'y kumain nito. Ngunit hindi niya sinabi sa kanila na kanyang kinuha ang pulot sa bangkay ng leon. Pinuntahan ng kanyang ama ang babae, at gumawa si Samson ng isang handaan doon gaya nang nakaugaliang gawin ng mga binata. Nang makita ng mga tao si Samson, sila'y nagdala ng tatlumpung kasama upang maging kasama niya. At sinabi ni Samson sa kanila, "Bubugtungan ko kayo ngayon. Kung masasagot at mahuhulaan ninyo sa akin sa loob ng pitong araw ng handaan, at inyong mahulaan, bibigyan ko kayo ng tatlumpung kasuotang lino at tatlumpung magarang bihisan. Ngunit kung hindi ninyo masasagot sa akin, ay bibigyan ninyo ako ng tatlumpung kasuotang lino at tatlumpung magarang bihisan." At kanilang sinabi sa kanya, "Sabihin mo ang iyong bugtong upang aming marinig." At sinabi niya sa kanila, "Mula sa mangangain ay may lumabas na pagkain, mula sa malakas ay may lumabas na matamis." Ngunit hindi nila masagot ang bugtong sa loob ng tatlong araw. Nang ikapitong araw ay kanilang sinabi sa asawa ni Samson, "Hikayatin mo ang iyong asawa, upang sabihin niya sa amin ang bugtong. Kapag hindi ay susunugin ka namin at ang bahay ng iyong ama. Inanyayahan ba ninyo kami upang papaghirapin?" At umiyak ang asawa ni Samson sa harapan niya, at nagsabi, "Kinapopootan mo lamang ako, at hindi mo ako iniibig. Nagbigay ka ng isang bugtong sa aking mga kababayan, at hindi mo sinabi sa akin kung ano iyon." At sinabi niya sa kanya, "Hindi ko nga sinabi sa aking ama, o sa aking ina, sa iyo ko pa kaya sasabihin?" Umiyak siya sa harap niya ng pitong araw, habang hindi natatapos ang kanilang kasayahan. Nang ikapitong araw ay sinabi niya sa kanya, sapagkat kanyang pinilit siya. Pagkatapos ay sinabi ng babae ang sagot sa bugtong sa kanyang mga kababayan. Nang ikapitong araw, bago lumubog ang araw, sinabi ng mga lalaki ng lunsod kay Samson, "Ano kaya ang lalong matamis kaysa pulot? Ano pa kaya ang lalong malakas kaysa leon?" At sinabi niya sa kanila, "Kung hindi kayo nag-araro sa pamamagitan ng aking dumalagang baka, hindi sana ninyo nasagot ang aking bugtong." At ang Espiritu ng PANGINOON ay makapangyarihang lumukob sa kanya at siya'y lumusong sa Ascalon. Pumatay siya ng tatlumpung lalaki sa kanila, at kinuha ang kanilang: samsam, at ibinigay ang magagarang bihisan sa mga nakapagpaliwanag ng bugtong. Ang kanyang galit ay nagningas, at siya'y umahon sa bahay ng kanyang ama. Ngunit ang asawa ni Samson ay ibinigay sa kanyang kasamahan, na kanyang naging pangunahing abay. Ngunit pagkaraan ng ilang panahon, sa panahon ng pag-aani ng trigo, dumalaw si Samson na may dalang isang batang kambing sa kanyang asawa, at kanyang sinabi, "Aking papasukin ang aking asawa sa loob ng silid." Ngunit ayaw siyang papasukin ng kanyang biyenang lalaki. At sinabi ng kanyang biyenang lalaki, "Ang akala ko'y iyong lubos na kinapootan siya, kaya't ibinigay ko siya sa iyong abay. Di ba ang kanyang nakababatang kapatid ay mas maganda kaysa kanya? Kunin mo siyang kahalili niya." Sinabi ni Samson sa kanila, 'Ngayon ay wala akong ipagkakasala sa mga Filisteo, kung gawan ko man sila ng kasamaan." Kaya't humayo si Samson at humuli ng tatlong daang asong-gubat at kumuha ng mga sulo, at pinagkabit-kabit ang mga buntot, at nilagyan ng sulo sa pagitan ng bawat dalawang buntot. Nang kanyang masindihan ang mga sulo ay kanyang pinakawalan ang mga asong-gubat sa nakatayong trigo ng mga Filisteo at parehong sinunog ang mga mandala at ang nakatayong trigo, gayundin ang mga taniman ng olibo. Nang magkagayo'y sinabi ng mga Filisteo, "Sinong gumawa nito?" At kanilang sinabi, "Si Samson na manugang ng taga-Timna, sapagkat kanyang kinuha ang asawa niya at ibinigay sa kanyang abay." Kaya't umahon ang mga Filisteo at sinunog ang babae at ang kanyang ama. Sinabi ni Samson sa kanila, "Kung ganito ang ginagawa ninyo, isinusumpa kong gagantihan ko kayo at saka ako titigil." Pinaghahampas niya ang kanilang mga hita at balakang at gumawa ng napakalaking pagpatay; pagkatapos siya'y bumaba at nanatili sa isang guwang ng bato sa Etam. Nang magkagayo'y umahon ang mga Filisteo at nagkampo sa Juda, at sinalakay ang Lehi. At sinabi ng mga lalaki ng Juda, "Bakit kayo'y pumarito laban sa amin?" At kanilang sinabi, "Pumarito kami upang gapusin si Samson, at gawin sa kanya ang ginawa niya sa amin." Nang magkagayo'y may tatlong libong lalaki sa Juda na lumusong sa guwang ng bato ng Etam, at sinabi kay Samson, "Hindi mo ba alam na ang mga Filisteo ay ating mga taga-pamahala? Ano itong ginawa mo sa amin?" At sinabi niya sa kanila, "Kung ano ang ginawa nila sa akin ay gayon ang ginawa ko sa kanila." At sinabi nila sa kanya, "Kami ay lumusong upang gapusin ka, upang maibigay ka namin sa kamay ng mga Filisteo." Sinabi ni Samson sa kanila, "Sumumpa kayo sa akin na hindi kayo ang sasalakay sa akin." Sinabi nila sa kanya, "Hindi, gagapusin ka lamang namin, at ibibigay sa kanilang kamay. Ngunit hindi ka namin papatayin." At kanilang ginapos siya ng dalawang bagong lubid at iniahon mula sa bato. Nang siya'y dumating sa Lehi, ang mga Filisteo ay nagsisigawan samantalang kanilang sinasalubong siya. Ang Espiritu ng PANGINOON ay makapangyarihang lumukob sa kanya, at ang mga lubid na nasa kanyang mga bisig ay naging parang lino na natupok sa apoy, at ang kanyang mga tali ay nalaglag sa kanyang mga kamay. Siya'y nakakita ng isang sariwang panga ng asno, at iniunat ang kanyang kamay, at dinampot iyon, at ginamit sa pagpatay sa isang libong lalaki. At sinabi ni Samson, "Sa pamamagitan ng panga ng isang asno, ay nagkabuntun-bunton, sa pamamagitan ng panga ng isang asno ay pumatay ako ng isang libong lalaki." Pagkatapos niyang makapagsalita ay kanyang inihagis ang panga na nasa kanyang kamay, at ang dakong iyon ay tinawag na Ramat-lehi. Siya'y uhaw na uhaw at siya'y tumawag sa PANGINOON, "Iyong ibinigay itong dakilang pagliligtas sa kamay ng iyong lingkod, at ngayo'y mamamatay ba ako sa uhaw at mahuhulog sa kamay ng mga hindi tuli?" Ngunit binuksan ng Diyos ang isang guwang na nasa Lehi at nilabasan iyon ng tubig. Nang siya'y makainom, ang kanyang diwa ay nanumbalik at siya'y muling nagkamalay. Kaya't ang pangalan niyon ay tinawag na Enhacore,o na nasa Lehi hanggang sa araw na ito. Siya'y naghukom sa Israel sa mga araw ng mga Filisteo ng dalawampung taon. Minsan ay pumunta si Samson sa Gaza at nakakita siya roon ng isang bayarang babae at ito'y kanyang sinipingan. Ibinalita sa mga taga-Gaza, "Si Samson ay dumating dito." Kanilang pinalibutan, at inabangan siya nang buong gabi sa pintuang-lunsod. Nanatili silang tahimik buong gabi, na sinasabi, "Maghintay tayo hanggang magbukang-liwayway, saka natin siya patayin." Ngunit si Samson ay humiga hanggang hatinggabi, at nang hatinggabi na ay bumangon. Hinawakan niya ang pinto ng pintuang-lunsod, at kapwa binunot, pati ang bakal. Pinasan niya ang mga ito at dinala sa taluktok ng bundok na nasa tapat ng Hebron. Pagkaraan ng ilang panahon, siya'y umibig sa isang babaing taga-libis ng Sorec, na ang pangala'y Delila. Pinuntahan ng mga pinuno ng mga Filisteo ang babae, at sinabi sa kanya, "Akitin mo siya. Alamin mo kung bakit napakalakas niya, at sa anong paraan kami magtatagumpay laban sa kanya upang aming matalian at matalo siya. Bibigyan ka ng bawat isa sa amin ng isang libo't isang daang pirasong pilak." Sinabi ni Delila kay Samson, "Hinihiling ko sa iyo na sabihin mo sa akin, kung ano ang nagbibigay sa iyo ng matinding lakas, at kung paanong matatalian ka upang ikaw ay matalo." Sinabi ni Samson sa kanya, "Kung tatalian nila ako ng pitong sariwang yantok na hindi natuyo ay hihina ako, at ako'y magiging gaya ng sinumang tao." Nang magkagayo'y nagdala sa kanya ang mga pinuno ng mga Filisteo ng pitong sariwang yantok na hindi pa natutuyo, at ipinangtali nila sa kanya. Noon ay may mga nakaabang na sa silid sa loob. At sinabi niya sa kanya, "Narito na ang mga Filisteo, Samson." Kanyang pinutol ang mga yantok na tulad sa taling sinulid na napuputol kapag nadidikitan ng apoy. Sa gayo'y hindi nalaman ang lihim ng kanyang lakas. Sinabi ni Delila kay Samson, "Tingnan mo, pinaglaruan mo ako, at nagsinungaling ka sa akin. Ipinapakiusap ko ngayon sa iyo na sabihin mo sa akin kung paano ka matatalian." Sumagot si Samson, "Kung tatalian lamang nila ako ng mga bagong lubid na hindi pa nagagamit ay hihina ako at magiging gaya ng sinumang tao." Sa gayo'y kumuha si Delila ng mga bagong lubid at itinali sa kanya, at sinabi sa kanya, "Narito na ang mga Filisteo, Samson." Noon, ang mga nakaabang ay nasa silid sa loob na ng silid. Ngunit pawang pinutol niya ang mga lubid sa kanyang mga bisig na parang sinulid. At sinabi ni Delila kay Samson, "Hanggang ngayon ay pinaglalaruan mo ako at nagsisinungaling ka sa akin. Sabihin mo sa akin kung paanong matatalian ka." At sinabi niya sa kanya, "Kung iyong hahabihin ang pitong tirintas sa aking ulo ng hinabing kayo at higpitan mo ng pang-ipit, manghihina ako at magiging tulad ng sinumang tao." Kaya't habang siya'y natutulog, hinawakan ni Delila ang pitong tirintas ng kanyang ulo at hinabi. At sinabi sa kanya, "Narito na ang mga Filisteo, Samson." Siya'y gumising sa kanyang pagkakatulog, at binunot ang pang-ipit ng panghabi at ang hinabi. Sinabi niya sa kanya, "Bakit nasasabi mo na, 'Iniibig kita,' gayong ang iyong pag-ibig ay wala sa akin? Pinaglaruan mo ako ng tatlong ulit, at hindi mo sinasabi sa akin kung ano ang nagbibigay sa iyo ng matinding lakas." Sa wakas, pagkatapos niyang pilitin siya araw-araw sa pamamagitan ng kanyang kasasalita upang mahimok siya, halos mamatay siya sa pagkainis. Kaya't ibinunyag niya kay Delila ang kanyang lihim, at sinabi sa kanya, "Walang pang-ahit na dumaan sa aking ulo sapagkat ako'y naging Nazirita sa Diyos mula pa sa tiyan ng aking ina. Kung ako'y ahitan, hihiwalay sa akin ang aking lakas, ako'y hihina, at magiging gaya ng sinumang tao." Nang mabatid ni Delila na sinabi na sa kanya ni Samson ang buong lihim niyat nagsugo siya at tinawag ang mga pinuno ng mga Filisteo, na sinasabi, "Umahon pa kayong minsan, sapagkat sinabi na niya sa akin ang buong lihim niya." Nang magkagayo'y umahon ang mga pinuno ng mga Filisteo, at nagdala ng salapi. Kanyang pinatulog ito sa kanyang kandungan; at nagpatawag siya ng isang lalaki at ipinaahit ang pitong tirintas sa ulo nito. Nagpasimula itong manghina, at ang lakas nito ay nawala. Sinabi niya, "Narito na ang mga Filisteo, Samson." At siya'y gumising sa kanyang pagkakatulog, at sinabi, "Ako'y lalabas na gaya nang dati, at ako'y magpupumiglas." Ngunit hindi niya batid na ang PANGINOON ay humiwalay na sa kanya. Hinuli siya ng mga Filisteo at dinukit ang kanyang mga mata. Kanilang dinala siya sa Gaza, at ginapos siya ng mga tanikalang tanso, at siya'y pinagtrabaho sa gilingan sa bilangguan. Gayunman, pagkatapos na siya'y maahitan, muling tumubo ang buhok ng kanyang ulo. Nagtitipon noon ang mga pinuno ng mga Filisteo upang maghandog ng isang dakilang alay kay Dagon na kanilang diyos at upang magsaya, sapagkat kanilang sinabi, "Ibinigay ng ating diyos sa ating kamay si Samson na ating kaaway." Nang makita siya ng taong-bayan, pinuri nila ang kanilang diyos, sapagkat kanilang sinabi, "Ibinigay ng ating diyos sa atin ang ating kaaway, ang tagawasak sa ating lupain, na pumatay ng marami sa atin." At nangyari, nang natutuwa na ang kanilang puso, ay kanilang sinabi, "Tawagin si Samson, upang siya'y ating mapaglaruan." At tinawag nga si Samson mula sa bilangguan; at siya'y pinaglaruan nila. Siya'y kanilang inilagay sa pagitan ng mga haligi. Sinabi ni Samson sa batang lalaki na umaakay sa kanya sa kamay, "Ipahawak mo sa akin ang mga haliging kinasasaligan ng bahay upang aking mahiligan." Noon ang bahay nga ay puno ng mga lalaki at babae, at ang lahat ng mga pinuno ng mga Filisteo ay naroon. Sa bubungan ay may tatlong libong lalaki at babae na nanonood samantalang pinagkakatuwaan si Samson. Pagkatapos ay tumawag si Samson sa PANGINOON, at sinabi, "O Panginoong DIYOS, idinadalangin ko sa iyo na alalahanin mo ako, at idinadalangin ko sa iyong palakasin mo ako, na minsan na lamang, O Diyos, upang maipaghiganti kong minsan sa mga Filisteo ang aking dalawang mata." Si Samson ay humawak sa dalawang gitnang haligi na kinasasaligan ng bahay, at inihilig ang kanyang mga bigat sa mga iyon, ang kanyang kanang kamay sa isa, at ang kanyang kaliwa sa kabila. Sinabi ni Samson, "Hayaan mo akong mamatay na kasama ng mga Filisteo." Ibinuhos niya ang kanyang buong lakas, at ang bahay ay bumagsak sa mga pinuno at sa lahat ng mga taong nasa loob. Sa gayo'y ang mga namatay na kanyang pinatay sa kanyang kamatayan ay higit kaysa pinatay niya noong siya'y buhay pa. Pagkatapos ay dumating ang kanyang mga kapatid at ang buong sambahayan ng kanyang ama, at kinuha siya. Iniahon siya at inilibing sa pagitan ng Sora at Estaol sa libingan ni Manoa na kanyang ama. Naghukom siya sa Israel sa loob ng dalawampung taon. May isang lalaki sa lupaing maburol ng Efraim, na ang pangalan ay Micaias. Sinabi niya sa kanyang ina, "Ang isang libo at isandaang pirasong pilak na kinuha sa iyo, na kaya ka nagsalita ng sumpa, at sinalita mo rin sa aking mga pandinig, — ang pilak ay nasa akin; kinuha ko at ngayon ay isasauli ko sa iyo." At sinabi ng kanyang ina, "Pagpalain nawa ng PANGINOON ang aking anak." At isinauli niya ang isang libo at isandaang pirasong pilak sa kanyang ina, at sinabi ng kanyang ina, "Aking itinatalaga mula sa aking kamay ang pilak na ito sa PANGINOON, na ukol sa aking anak, upang igawa ng isang larawang inanyuan na yari sa bakal." Nang kanyang isauli ang salapi sa kanyang ina kinuha ng kanyang ina ang dalawang daang pirasong pilak na ibinigay sa mga manghuhulma na siyang gumawa ng isang. larawang inanyuan na yari sa bakal; at iyon ay nasa bahay ni Micaias. Ang lalaking si Micaias ay mayroong isang bahay ng mga diyos, at siya'y gumawa ng isang efod at terafim at itinalaga ang isa sa kanyang mga anak upang maging kanyang pari. Nang mga araw na iyon ay walang hari sa Israel. Ginawa ng lahat ng tao kung ano ang matuwid sa kanilang sariling paningin. Noon ay may isang kabataang lalaki sa Bethlehem sa Juda mula sa angkan ni Juda. Siya ay isang Levita na naninirahan doon. Ang lalaki ay umalis sa bayan ng Bethlehem sa Juda, upang manirahan kung saan siya makakakita ng matutuluyan. Habang siya'y naglalakbay, nakarating siya sa bahay ni Micaias sa lupaing maburol ng Efraim, upang ipagpatuloy ang kanyang gawain. Sinabi ni Micaias sa kanya, "Saan ka nanggaling?" At sinabi niya sa kanya, "Ako'y isang Levita mula sa Bethlehem sa Juda, at ako'y maninirahan kung saan ako makakakita ng matutuluyan." Sinabi ni Micaias sa kanya, "Manirahan ka sa akin, at ikaw ay maging aking ama at pari. Bibigyan kita ng sampung pirasong pilak bawat taon, ng bihisan, at ng ikabubuhay," at ang Levita ay pumasok. Ang Levita ay pumayag na manirahang kasama ng lalaki, at ang binata ay itinuring niyang isa sa kanyang mga anak na lalaki. Itinalaga ni Micaias ang Levita at ang binata ay naging kanyang pari, at nanirahan sa bahay ni Micaias. Nang magkagayo'y sinabi ni Micaias, "Ngayo'y alam ko na ako'y pasasaganain ng PANGINOON, yamang ako'y may isang paring Levita." Nang mga araw na iyon ay walang hari sa Israel. At nang panahong iyon ay humahanap ang lipi ng mga Danita ng isang lupaing matitirahan sapagkat hanggang sa araw na iyon ay wala pang lupain mula sa mga lipi ng Israel ang naibigay sa kanila. Kaya't ang mga anak ni Dan ay nagsugo ng limang lalaki mula sa kabuuang bilang ng kanilang angkan, mula sa Sora at sa Estaol, upang tiktikan ang lupain, at galugarin. At sinabi nila sa kanila, "Kayo'y humayo at inyong siyasatin ang lupain." At sila'y pumunta sa lupaing maburol ng Efraim, sa bahay ni Micaias, at tumuloy roon. Nang sila'y malapit na sa bahay ni Micaias nakilala nila ang tinig ng binatang Levita. Kaya't sila'y pumasok roon, at sinabi nila sa kanya, "Sinong nagdala sa iyo rito? At ano ang iyong ginagawa sa dakong ito? Anong pakay mo rito?" At sinabi niya sa kanila, "Ganito't ganoon ang ginawa sa akin ni Micaias. Kanyang inupahan ako, at ako'y naging kanyang pari." Sinabi nila sa kanya, "Ipinapakiusap namin sa iyo na sumangguni ka sa Diyos, upang aming malaman, kung ang aming misyon ay magtatagumpay." Sinabi ng pari sa kanila, "Humayo kayong payapa. Ang inyong lakad ay nasa ilalim ng pagmamatyag ng PANGINOON." Nang magkagayo'y lumakad ang limang lalaki at dumating sa Lais. Kanilang nakita ang mga taong naroon na naninirahang tiwasay na gaya ng mga Sidonio, tahimik at hindi nanghihina, hindi nagkukulang ng anuman sa daigdig, at nagtataglay ng kayamanan. Nang sila'y dumating sa kanilang mga kapatid sa Sora at Estaol, kanilang sinabi sa kanila, "Ano ang inyong masasabi?" At kanilang sinabi, "Tumindig kayo at tayo'y umahon laban sa kanila, sapagkat aming nakita ang lupain at, ito'y napakabuti. Wala ba kayong gagawin? Huwag kayong maging makupad na humayo kundi iyong pasukin at angkinin ang lupain. Paglakad ninyo'y darating kayo sa isang bayang panatag. Ang lupain ay malawak — ibinigay na iyon ng Diyos sa inyong kamay, isang dakong hindi nagkukulang ng anumang bagay sa lupa." Umalis mula roon ang animnaraang lalaki sa angkan ng mga Danita, mula sa Sora at sa Estaol, na may sandata ng mga sandatang pandigma. Sila'y humayo at nagkampo sa Kiryat-jearim sa Juda; kaya't kanilang tinawag ang dakong iyon na Mahanedan hanggang sa araw na ito. Iyon ay nasa likod ng Kiryat-jearim. Sila'y nagdaan doon hanggang sa lupaing maburol ng Efraim, at dumating sa bahay ni Micaias. Nang magkagayo'y nagsalita ang limang lalaki na naniktik sa lupain ng Lais, at sinabi sa kanilang mga kapatid, "Nalalaman ba ninyo na sa mga gusaling ito ay mayroong efod, terafim, at isang larawang inanyuan na yari sa bakal? Isipin ninyo ngayon ang inyong gagawin." Sila'y lumiko roon, at dumating sa bahay ng binatang Levita, sa bahay ni Micaias, at tinanong siya sa kanyang kalagayan. Samantala, ang animnaraang lalaki na may mga sandatang pandigma, na pawang mga anak ni Dan ay nakatayo sa pasukan ng pintuang-bayan. Ang limang lalaking humayo upang tiktikan ang lupain ay umahon at pumasok doon at kinuha ang larawang inanyuan, ang efod, at ang terafim. Ang pari ay nakatayo sa pasukan ng pintuang-bayan na kasama ng animnaraang lalaki na may mga sandatang pandigma. Nang pumasok ang mga ito sa bahay ni Micaias, at makuha ang larawang inanyuan, ang efod, ang terafim, ay sinabi ng pari sa kanila, "Anong ginagawa ninyo?" At sinabi nila sa kanya, "Tumahimik ka, itakip mo ang iyong kamay sa iyong bibig, sumama ka sa amin, at maging ama at pari ka namin. Mabuti ba kaya sa iyo ang maging pari sa bahay ng isang lalaki o maging pari sa isang lipi at sa isang angkan sa Israel?" Tinanggap ng pari ang alok. Kanyang kinuha ang efod, ang terafim, ang larawang inanyuan, at humayo sa gitna ng bayan. Kaya't ipinagpatuloy nila ang kanilang paglalakbay at inilagay ang mga bata, ang kawan, at ang mga dala-dalahan sa unahan nila. Nang sila'y malayu-layo na sa bahay ni Micaias, ang mga lalaking nasa mga bahay na malapit sa bahay ni Micaias ay tinawagan at inabutan nila ang mga anak hi Dan. Kanilang sinigawan ang mga anak ni Dan. Sila'y lumingon at sinabi kay Micaias, "Ano ang nangyari at ikaw ay naparitong kasama ang ganyang karaming tao?" Siya'y sumagot, "Inyong kinuha ang aking mga diyos na aking ginawa, at ang pari, at kayo'y umalis, at ano pang naiwan sa akin? Bakit ninyo ako tinatanong, 'Ano ang nangyari?'" Sinabi ng mga anak ni Dan sa kanya, "Huwag nang marinig ang iyong tinig, baka daluhungin ka ng mapupusok na kasama namin, at mawala ang iyong buhay, pati ang buhay ng iyong sambahayan." Ipinagpatuloy ng mga anak ni Dan ang kanilang lakad, at nang makita ni Micaias na sila'y higit na malakas kaysa kanya, bumalik siya at umuwi sa kanyang bahay. Kanilang kinuha ang ginawa ni Micaias, at ang kanyang pari. Dumating sila sa Lais, na isang bayang tahimik at tiwasay, pinatay sila ng tabak at sinunog nila ang lunsod. Walang tumulong sapagkat malayo ito sa Sidon at sila'y walang pakikipag-ugnayan sa kaninuman. Iyon ay nasa libis na bahagi ng Bet-rehob. At kanilang itinayo ang lunsod, at tinahanan nila. Kanilang tinawag na Dan ang lunsod, ayon sa pangalan ni Dan na kanilang ama na ipinanganak sa Israel; gayunma'y ang pangalan ng bayan nang una ay Lais. At itinayo ng mga anak ni Dan para sa kanilang sarili ang larawang inanyuan. Si Jonathan na anak ni Gershon, na anak ni Moises, at ang kanyang mga anak ang siyang naging mga pari sa lipi ng mga Danita hanggang sa araw na mabihag ang lupain. Kaya't kanilang itinuring na kanila ang larawang inanyuang ginawa ni Micaias sa buong panahon na ang bahay ng Diyos ay nasa Shilo. Nang mga araw na iyon, nang walang hari sa Israel, may isang Levita na naninirahan sa malayong dako ng lupaing maburol ng Efraim, ang kumuha ng asawang-lingkod mula sa Bethlehem sa Juda. Ngunit ang kanyang asawang-lingkod ay nagalit sa kanya" at iniwan siya at nagtungo sa bahay ng kanyang ama sa Bethlehem sa Juda, at nanatili roon sa loob ng apat na buwan. Ang kanyang asawa ay humayo at sumunod sa kanya, upang makiusap na mabuti sa kanya na bumalik siya. Kasama niya ang kanyang tauhan at ang dalawang magkatuwang na asno. Nang makarating siya sa bahay ng kanyang ama, nakita siya ng ama ng asawang-lingkod, at magalak nitong sinalubong siya. Pinigil siya ng kanyang biyenan, ng ama ng asawang-lingkod; at siya'y nanatiling kasama niya ng tatlong araw. Sa gayon sila'y nagkainan at nag-inuman, at nanatili roon. Kinaumagahan nang ikaapat na araw, sila'y bumangong maaga, at siya'y naghanda upang humayo. Sinabi ng ama ng babae sa kanyang manugang, "Palakasin mo muna ang iyong sarili ng kaunting pagkain, at pagkatapos ay saka kayo lumakad." Sa gayo'y naupo silang dalawa, at kumain at uminom na magkasama, at sinabi ng ama ng babae sa lalaki, "Bakit hindi ka muna magpalipas dito ng buong gabi at magsaya?" Nang ang lalaki ay tumayo upang umalis; pinigil siya ng kanyang biyenan at siya'y tumigil uli roon. Kinaumagahan nang ikalimang araw, siya'y maagang bumangon upang umalis, at sinabi ng ama ng babae, "Palakasin mo ang iyong sarili." Kaya't sila'y nanatili hanggang sa dumilim ang araw, at ang dalawa ay kumain. Nang ang lalaki at ang kanyang asawang-lingkod, at ang kanyang tauhan ay tumayo upang umalis ay sinabi ng kanyang biyenan sa kanya, "Tingnan ninyo, gumagabi na. Dito na kayo magpalipas ng gabi. Tingnan ninyo ang araw ay lumulubog na. Dito na kayo magpalipas ng gabi at kayo ay magsaya. Bukas ay maaga kayong bumangon para sa inyong paglakad, at kayo'y umuwi na." Ngunit ayaw ng lalaki na magpalipas ng gabi, kundi siya'y tumindig at umalis at nakarating sa tapat ng Jebus (na siyang Jerusalem). May dala siyang dalawang magkatuwang na asno at ang kanyang asawang-lingkod ay kasama niya. Nang sila'y nasa tabi na ng Jebus, ang araw ay lumulubog at sinabi ng tauhan sa kanyang panginoon, "Dito na tayo sa bayan ng mga Jebuseo, at magpalipas ng gabi rito." Sinabi ng kanyang panginoon sa kanya, "Hindi tayo pupunta sa bayan ng mga dayuhan, na hindi kabilang sa mga anak ni Israel; kundi magpapatuloy tayo hanggang sa Gibea." At sinabi niya sa kanyang alipin, "Halika at sikapin nating marating ang isa sa mga dakong ito; at tayo'y magpapalipas ng gabi sa Gibea o sa Rama." Sa gayo'y nagdaan sila at nagpatuloy ng kanilang paglakad, at nilubugan sila ng araw sa malapit sa Gibea, na sakop ng Benjamin. Sila'y lumiko roon, upang pumasok at nagpalipas ng gabi sa Gibea. Sila'y pumasok at umupo sa liwasan ng lunsod, sapagkat walang taong magpatuloy sa kanila. Kinagabihan, may dumating na isang matandang lalaki na galing sa kanyang paggawa sa bukid. Ang lalaki ay taga-lupaing maburol ng Efraim at naninirahan sa Gibea; ang mga tao sa dakong iyon ay mga Benjaminita. Nang tumingin ang matandang lalaki at nakita niya ang manlalakbay sa liwasan ng lunsod ay itinanong niya, "Saan ka pupunta? At saan ka nanggaling?" At sinabi niya sa kanya, "Kami ay nagdaraan mula sa Bethlehem sa Juda na patungo sa malayong dako ng lupaing maburol ng Efraim na aking pinanggalingan. Ako'y galing sa Bethlehem sa Juda at ako'y patungo sa bahay ng PANGINOON at walang taong magpatuloy sa akin. Kami ay may dayami at damo para sa aming mga asno at may tinapay at alak naman para sa akin, sa lingkod na babae, at sa kabataang kasama namin. Wala na kaming kailangan pa." At sinabi ng matandang lalaki, "Kapayapaan nawa ang sumaiyo; ipaubaya mo sa akin ang lahat ng iyong mga pangangailangan; huwag ka lamang magpalipas ng gabi sa liwasan." Kanyang pinapasok sila sa kanyang bahay at binigyan ng pagkain ang mga asno. Sila'y naghugas ng kanilang mga paa, kumain at uminom. Samantalang sila'y nagkakasayahan, pinalibutan ng masasamang tao sa lunsod ang bahay at pinaghahampas ang pintuan. Sinabi nila sa matandang may-ari ng bahay, "Ilabas mo ang lalaking pumasok sa iyong bahay upang makilala namin siya." At lumabas sa kanila ang lalaki, ang may-ari ng bahay at sinabi sa kanila, "Huwag, mga kapatid ko. Isinasamo ko sa inyong huwag kayong gumawa ng ganyang kasamaan; yamang ang lalaking ito'y aking panauhin, ay huwag ninyong gawin ang gayong kasamaan. Narito ang aking anak na dalaga, at ang asawang-lingkod ng lalaki. Ilalabas ko sila ngayon; halayin ninyo, at gawin ninyo sa kanila ang gusto ninyo. Ngunit sa lalaking ito ay huwag kayong gumawa ng anumang masama." Ngunit hindi siya pinakinggan ng mga lalaki. Sa gayo'y hinawakan ng lalaki ang kanyang asawang-lingkod at inilabas sa kanila. Kanilang sinipingan siya at hinalay buong gabi hanggang sa kinaumagahan; at nang magbukang-liwayway ay kanilang pinaalis siya. Nang mag-uumaga na, dumating ang babae, at nabuwal sa pintuan ng bahay ng lalaki, na kinaroroonan ng kanyang panginoon, hanggang sa magliwanag. Kinaumagahan, bumangon ang kanyang panginoon at binuksan ang mga pinto ng bahay. Nang siya'y lumabas upang magpatuloy sa kanyang lakad, naroon ang kanyang asawang-lingkod ay nakabuwal sa pintuan ng bahay, na ang mga kamay ay nasa bungad. At sinabi niya sa kanya, "Bumangon ka at umalis na tayo." Ngunit walang sagot. Nang magkagayo'y kanyang isinakay ang babae sa asno; at ang lalaki ay tumindig at nagpatuloy pauwi sa kanilang tahanan. Nang siya'y makapasok sa kanyang bahay, ay kumuha siya ng isang patalim, at paghawak niya sa kanyang asawang-lingkod ay kanyang pinagputul-putol ito sa labindalawang bahagi; at ipinadala siya sa lahat ng nasasakupan ng Israel. At ang lahat ng nakakita nito ay nagsabi, "Walang ganitong bagay na nangyari o nakita man mula sa araw na umahon ang mga anak ni Israel mula sa lupain ng Ehipto hanggang sa araw na ito. Pag-isipan ninyo ito, pag-usapan at magsalita kayo." Nang magkagayo'y lumabas ang lahat ng mga anak ni Israel mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, at ang kapulungan ay nagtipon sa PANGINOON gaya ng isang tao sa Mizpa, kabilang ang lupain ng Gilead. Ang mga pinuno ng buong bayan, ang lahat ng mga lipi ng Israel ay humarap sa kapulungan ng bayan ng Diyos, na apatnaraang libong lalaki na humahawak ng tabak. (Nabalitaan ng mga anak ni Benjamin na umahon ang mga anak ni Israel sa Mizpa.) At sinabi ng mga anak ni Israel, "Sabihin ninyo sa amin kung paanong ang kasamaang ito ay nangyari?" Ang Levita na asawa ng babaing pinatay ay sumagot at kanyang sinabi, 'Ako at ang aking asawang-lingkod ay dumating sa Gibea na sakop ng Benjamin upang magpalipas ng gabi. Bumangon ang mga lalaki sa Gibea laban sa akin, at kinubkob ang bahay sa palibot laban sa akin nang kinagabihan. Ako'y kanilang pinag-isipang patayin, at kanilang hinalay ang aking asawang-lingkod, at siya'y namatay. Kaya't aking kinuha ang aking asawang-lingkod at aking pinagputul-putol, at ipinadala ko sa buong lupain ng mana ng Israel, sapagkat sila'y gumawa ng karumaldumal at ng kahalayan sa Israel. Kaya't ngayon, kayong mga anak ni Israel, kayong lahat, ibigay ninyo rito ang inyong payo at pasiya rito." At ang buong bayan ay tumindig na parang isang tao na nagsasabi, "Hindi babalik ang sinuman sa amin sa kanyang tolda, ni uuwi man ang sinuman sa amin sa kanyang bahay. Kundi ngayo'y ito ang aming gagawin sa Gibea; aahon kami laban sa kanya sa pamamagitan ng palabunutan. Kukuha kami ng sampung lalaki sa isandaan, sa lahat ng mga lipi ng Israel, at isandaan sa bawat isang libo, at isang libo sa bawat sampung libo, upang ipagbaon ng pagkain ang taong-bayan, upang sa kanilang pagtungo ay pagbayarin nila ang Gibea ng Benjamin ayon sa lahat ng kahihiyan na kanilang ginawa sa Israel." Sa gayo'y nagtipon ang lahat ng mga lalaki ng Israel laban sa lunsod na iyon, na nagkakaisang parang isang tao. At nagsugo ang mga lipi ng Israel ng mga lalaki sa buong lipi ng Benjamin, na sinasabi, "Anong kasamaan ito na nangyari sa gitna ninyo? Ngayon nga'y ibigay ninyo ang mga lalaki, ang masasamang tao na nasa Gibea upang aming patayin sila, at alisin ang kasamaan sa Israel." Ngunit hindi pinakinggan ng mga anak ni Benjamin ang tinig ng kanilang mga kapatid na mga anak ni Israel. Nagtipon ang mga anak ni Benjamin sa mga lunsod na patungo sa Gibea upang lumabas sa pakikidigma laban sa mga anak ni Israel. Ang mga anak ni Benjamin ay bumilang nang araw na iyon sa kanilang mga bayan, ng dalawampu't anim na libong lalaki na humahawak ng tabak, bukod pa ang mga naninirahan sa Gibea na bumilang ng pitong daang piling lalaki. Sa kabuuan ng hukbong ito ay may pitong daang piling lalaki na kaliwete; na bawat isa'y nakakapaghagis ng bato sa isang buhok, at hindi sumasala. Ang mga lalaki sa Israel, bukod pa ang sa Benjamin, ay nakabilang ng apatnaraang libong lalaki na humahawak ng tabak; lahat ng mga ito ay mga lalaking mandirigma. At ang mga anak ni Israel ay umahon sa Bethel upang sumangguni sa Diyos; at kanilang sinabi, "Sino ang unang aahon sa amin upang makipaglaban sa mga anak ni Benjamin?" At sinabi ng PANGINOON, "Ang Juda ang unang aahon." Kinaumagahan, bumangon ang mga anak ni Israel, at nagkampo sa tapat ng Gibea. Lumabas ang mga lalaki ng Israel upang makipaglaban sa Benjamin; at humanay ang mga lalaki ng Israel sa Gibea, sa pakikipaglaban sa kanila. Lumabas ang mga anak ni Benjamin sa Gibea at ang napatay sa mga Israelita sa araw na iyon ay dalawampu't dalawang libong lalaki. Ngunit ang bayan, ang mga lalaki ng Israel ay nagpakatapang, at muling humanay sa pakikipaglaban sa dakong pinagtipunan nila nang unang araw. At umahon ang mga anak ni Israel, at umiyak sa harap ng PANGINOON hanggang sa kinahapunan. Sila'y sumangguni sa PANGINOON, na sinasabi "Lalapit ba uli ako upang makipaglaban sa mga anak ni Benjamin na aking kapatid?" At sinabi ng PANGINOON, "Umahon ka laban sa kanila." Kaya't muling sumalakay ang mga anak ni Israel laban sa mga anak ni Benjamin nang ikalawang araw. At lumabas ang Benjamin sa Gibea laban sa kanila nang ikalawang araw, at nakapatay muli sa mga anak ni Israel ng labingwalong libong lalaki; lahat ng mga ito ay may sandata. Nang magkagayo'y umahon ang lahat ng mga anak ni Israel, ang buong bayan, bumalik sa Bethel, umiyak, at umupo roon sa harap ng PANGINOON. Nag-ayuno nang araw na iyon hanggang sa gabi. Sila'y naghandog ng mga handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan sa harap ng PANGINOON. At itinanong ng mga anak ni Israel sa PANGINOON (sapagkat ang kaban ng tipan ng Diyos ay naroon nang mga araw na iyon, at si Finehas na anak ni Eleazar na anak ni Aaron, ang naglilingkod nang mga araw na iyon,) na sinasabi, "Lalabas ba akong muli upang makipaglaban sa mga anak ni Benjamin na aking kapatid, o titigil na ako?" At sinabi ng PANGINOON, "Umahon ka, sapagkat bukas ay ibibigay ko siya sa iyong kamay." Kaya't ang Israel ay naglagay ng mananambang sa buong palibot ng Gibea. At umahon ang mga anak ni Israel laban sa mga anak ni Benjamin nang ikatlong araw, at humanay laban sa Gibea, gaya ng dati. Nilabanan ng mga anak ni Benjamin ang taong-bayan, at sila'y inilayo sa lunsod. Gaya ng dati, kanilang pinasimulang saktan ang taong-bayan sa mga pangunahing lansangan, na ang isa'y paahon sa Bethel, at ang isa'y sa Gibea, gayundin sa parang at nakapatay ng halos tatlumpung lalaki ng Israel. At inakala ng mga anak ni Benjamin, "Sila'y nagapi sa harapan natin, gaya ng una." Ngunit sinabi ng mga anak ni Israel, "Tayo'y tumakas at ilayo natin sila mula sa bayan patungo sa mga lansangan." Ang malaking bahagi ng mga Israelita ay umatras patungo sa Baal-tamar samantalang ang mga Israelita na nakaabang ay lumabas mula sa kanilang lugar, sa kanluran ng Geba. At dumating laban sa Gibea ang sampung libong piling lalaki ng Israel, at ang paglalaban ay tumindi, ngunit hindi nalalaman ng mga Benjaminita na ang kapahamakan ay malapit na sa kanila. Ginapi ng PANGINOON ang Benjamin sa harap ng Israel; at ang pinatay ng mga anak ni Israel sa Benjamin nang araw na iyon ay dalawampu't limang libo at isandaang lalaki. Lahat ng mga ito ay may sandata. Sa gayo'y nakita ng mga anak ni Benjamin na sila'y nagapi. Binigyang kaluwagan ng mga lalaki ng Israel ang Benjamin, sapagkat sila'y umaasa sa mga nakaabang na kanilang inilagay laban sa Gibea. Mabilis na sumalakay ang mga nag-aabang sa Gibea at pinagtataga ang lahat ng tao sa lunsod. Nagkaroon ng kasunduan ang mga anak ng Israel at ang mga nakaabang, na kapag sila'y nagpailanglang ng makapal na usok mula sa bayan, ang mga lalaki ng Israel ay dapat humarap para sa pakikipaglaban. Noon ay pinasisimulan nang saktan at patayin ng Benjamin ang may tatlumpung lalaki ng Israel. At kanilang sinabi, "Tiyak na sila'y natalo sa harap natin gaya nang unang pakikipaglaban." Ngunit nang ang hudyat na haliging usok ay magpasimulang pumailanglang mula sa bayan, ang mga Benjaminita ay lumingon sa likuran nila, at nakita nila na ang buong bayan ay nasusunog hanggang sa langit. Humarap ang mga lalaki ng Israel, at ang mga lalaki ng Benjamin ay natakot, sapagkat kanilang nakita na ang kasamaan ay malapit na sa kanila. Kaya't sila'y tumalikod papalayo sa mga lalaki ng Israel patungo sa ilang; ngunit inabutan sila ng labanan at ang mga lumabas sa mga bayan ang lumipol sa kanila sa gitna ng ilang. Kanilang pinalibutan ang mga Benjaminita at kanilang hinabol at kanilang inabutan sa pahingang dako hanggang sa tapat ng Gibea, sa dakong sinisikatan ng araw. At ang napatay sa Benjamin ay labingwalong libong lalaki; lahat ng mga ito ay mga matatapang na mga mandirigma. Nang sila'y lumiko at tumakas sa dakong ilang sa bato ng Rimon limang libong lalaki sa kanila ang napatay sa mga pangunahing lansangan at sila'y hinabol hanggang sa Gidom, at napatay sa kanila ang dalawang libong lalaki. Kaya't lahat ng napatay nang araw na iyon sa Benjamin ay dalawampu't limang libong lalaki na may sandata; lahat ng mga ito ay mga matatapang na mandirigma. Ngunit animnaraang lalaki ang bumalik at tumakas sa dakong ilang sa bato ng Rimon, at nanatili sa bato ng Rimon sa loob ng apat na buwan. Binalikan ng mga lalaki ng Israel ang mga anak ni Benjamin at sila'y pinagtataga, ang buong lunsod, ang mga tao, ang kawan, at ang lahat ng kanilang natagpuan. Bukod dito'y ang lahat ng mga bayan na kanilang natagpuan ay kanilang sinunog. Ang mga lalaki ng Israel ay sumumpa sa Mizpa na nagsasabi, "Walang sinuman sa atin na magbibigay ng kanyang anak na babae sa Benjamin upang maging asawa." Ang taong-bayan ay pumunta sa Bethel at umupo roon hanggang sa kinagabihan sa harap ng Diyos, at inilakas ang kanilang mga tinig, at tumangis nang matindi. Kanilang sinabi, "O PANGINOON, ang Diyos ng Israel, bakit nangyari ito sa Israel, na magkukulang ngayon ng isang lipi ang Israel?" Kinabukasan, ang bayan ay maagang bumangon, at nagtayo roon ng dambana, at naghandog ng mga handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan. At sinabi ng mga anak ni Israel, "Sino ang hindi umahon sa lahat ng mga lipi ng Israel sa kapulungan sa PANGINOON?" Sapagkat sila'y gumawa ng taimtim na panata tungkol sa hindi aahon sa PANGINOON sa Mizpa na sinasabi, "Siya'y tiyak na papatayin." Ngunit naawa ang mga anak ni Israel sa Benjamin na kanilang kapatid, at sinabi, "May isang angkan na natanggal sa Israel sa araw na ito. Paano ang ating gagawing paghanap ng mga asawa sa kanila na naiwan, yamang tayo'y sumumpa sa PANGINOON na hindi natin ibibigay sa kanila ang ating mga anak na babae upang maging asawa?" At kanilang sinabi, "Sino sa mga lipi ng Israel ang hindi umahon sa PANGINOON sa Mizpa? Natuklasan na walang pumunta sa kampo sa Jabes-gilead, sa kapulungan." Sapagkat nang bilangin ang bayan, wala ang mga naninirahan sa Jabes-gilead. Kaya't nagsugo roon ang kapulungan ng labindalawang libong mandirigma, at iniutos sa kanila, na sinasabi, "Kayo'y humayo, tagain ninyo ng talim ng tabak ang mga mamamayan ng Jabes-gilead, pati ang mga babae at mga bata. Ito ang inyong gagawin. Inyong lubos na lilipulin ang bawat lalaki, at bawat babae na sinipingan ng lalaki." Kanilang nalaman na ang mga naninirahan sa Jabes-gilead ay apatnaraang dalaga, na hindi nakakakilala ng lalaki sa pamamagitan ng pagsiping sa kanya. Kanilang dinala sila sa kampo sa Shilo na nasa lupain ng Canaan. Pagkatapos ay nagsugo ang buong kapulungan at nagsalita sa mga anak ni Benjamin na nasa bato ng Rimon, at nagpahayag ng kapayapaan sa kanila. Bumalik ang Benjamin nang panahong iyon, at kanilang ibinigay sa kanila ang mga babaing kanilang iniligtas na buhay sa mga babae ng Jabes-gilead. Gayunma'y hindi sila sapat para sa kanila. At ang bayan ay naawa sa Benjamin, sapagkat ang PANGINOON ay gumawa ng sira sa mga lipi ng Israel. Nang magkagayo'y sinabi ng matatanda ng kapulungan, "Paano ang ating gagawing paghanap ng asawang babae para sa natitira, yamang wala ng nalalabing babae sa Benjamin?" Kanilang sinabi, "Nararapat magkaroon ng tagapagmana para sa naligtas sa Benjamin, upang ang isang lipi ay huwag mapawi sa Israel. Gayunman ay hindi natin maibibigay na asawa sa kanila ang ating mga anak na babae." Sapagkat ang mga anak ni Israel ay sumumpa, na nagsasabi, "Sumpain ang magbigay ng asawa sa Benjamin." Kaya't kanilang sinabi, "Narito, may magaganap na taun-taong pagdiriwang sa PANGINOON sa Shilo, na nasa hilaga ng Bethel, sa dakong silangan ng lansangan na paahon sa Shekem mula sa Bethel, at sa timog ng Lebona." At kanilang iniutos sa mga anak ni Benjamin na sinasabi, "Kayo'y humayo at mag-abang sa mga ubasan. At bantayan ninyo, kapag ang mga anak na babae sa Shilo ay lumabas upang sumayaw, lumabas kayo sa ubasan at kumuha ang bawat lalaki sa inyo ng kanyang asawa sa mga anak sa Shilo, at pumunta kayo sa lupain ng Benjamin. Kapag ang kanilang mga magulang o ang kanilang mga kapatid ay naparito upang magreklamo ay aming sasabihin sa kanila, 'Ipagkaloob na ninyo sila sa amin, sapagkat hindi kami kumuha ng asawa para sa bawat isa sa kanila sa pakikipaglaban. Gayunman, hindi rin kayo magkakasala sa pagbibigay sa inyong mga anak na babae sa kanila.'" At gayon ang ginawa ng mga anak ni Benjamin at kanilang kinuha silang asawa ayon sa kanilang bilang, mula sa mga sumasayaw na kanilang dinala. Sila'y umalis at nagbalik sa kanilang nasasakupan, at muling itinayo ang mga bayan, at nanirahan doon. At umalis ang mga anak ni Israel mula roon nang panahong iyon, bawat lalaki ay sa kanyang lipi at sa kanyang angkan, at umalis mula roon ang bawat lalaki at umuwi sa kanilang nasasakupan. Nang mga araw na iyon ay walang hari sa Israel; ginawa ng bawat tao kung ano ang matuwid sa kanyang sariling paningin. At nangyari nang mga araw na ang mga hukom ang namumuno, nagkaroon ng taggutom sa lupain. bang lalaking taga-Bethlehem sa Juda ang umalis upang manirahan sa lupain ng Moab, siya, ang kanyang asawa, at ang kanyang dalawang anak na lalaki. Ang pangalan ng lalaki ay Elimelec, ang kanyang asawa ay si Naomi, at ang pangalan ng kanyang dalawang anak ay Malon at Chilion. Sila ay mga Efrateo mula sa Bethlehem sa Juda. Sila'y pumunta sa lupain ng Moab at nanatili roon. Ngunit si Elimelec na asawa ni Naomi ay namatay. Si Naomi ay naiwang kasama ang kanyang dalawang anak. Sila'y nag-asawa ng mga babae mula sa Moab. Ang pangalan ng isa'y Orfa, at ang ikalawa ay Ruth. Sila'y nanirahan doon nang may sampung taon. Kapwa namatay sina Malon at Chilion, kaya't ang babae ay naiwan ng kanyang dalawang anak at ng kanyang asawa. Nang magkagayon, siya at ang kanyang dalawang manugang ay nagsimulang bumalik mula sa lupain ng Moab sapagkat kanyang nabalitaan sa lupain ng Moab kung paanong dinalaw ng PANGINOON ang kanyang bayan at binigyan sila ng pagkain. Kaya't siya'y umalis sa dakong kanyang kinaroroonan, kasama ang kanyang dalawang manugang at sila'y naglakbay pabalik sa lupain ng Juda. Subalit sinabi ni Naomi sa kanyang dalawang manugang, "Bawat isa sa inyo ay bumalik na sa bahay ng inyu-inyung ina. Gawan nawa kayo ng mabuti ng PANGINOON, na gaya ng inyong ginawa sa mga namatay at sa akin. Ipagkaloob nawa ng PANGINOON na kayo'y makatagpo ng kapahingahan, bawat isa sa inyo sa bahay ng kanyang asawa." Pagkatapos ay kanyang hinagkan sila, at inilakas nila ang kanilang tinig at sila'y nag-iyakan. Sinabi nila sa kanya, "Hindi, kami ay babalik na kasama mo sa iyong bayan." Ngunit sinabi ni Naomi, "Kayo'y bumalik na, mga anak ko. Bakit kayo sasama sa akin? May mga anak pa ba ako sa aking sinapupunan na magiging inyong mga asawa? Kayo'y bumalik na, mga anak ko, magpatuloy kayo sa inyong lakad sapagkat ako'y napakatanda na upang magkaroon pa ng asawa. Kung aking sabihin, ako'y may pag-asa, kahit pa ako'y magkaasawa man ngayong gabi, at ako'y magkaanak man, maghihintay kaya kayo hanggang sa sila'y lumaki? Nangangahulugan ba na hindi na muna kayo mag-aasawa? Huwag, mga anak ko! Magdaramdam akong mabuti dahil sa inyo, sapagkat ang kamay ng PANGINOON ay naging laban sa akin." Kaya't inilakas nila ang kanilang tinig at muling nag-iyakan. Hinagkan ni Orfa ang kanyang biyenan; ngunit si Ruth ay yumakap sa kanya. Sinabi niya, "Tingnan mo, ang iyong bilas ay bumalik na sa kanyang mga kababayan, at sa kanyang mga diyos; sumunod ka na sa iyong bilas." Ngunit sinabi ni Ruth, "Huwag mo akong pakiusapan na kita'y iwan, o talikuran ko na ang pagsunod sa iyo! Kung saan ka pupunta ay doon ako pupunta; kung saan ka nakatira ay doon ako maninirahan; ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos. Kung saan ka mamatay ay doon ako mamamatay, at doon ako ililibing. Gayon nawa ang gawin ng PANGINOON sa akin at higit pa, kahit na ihiwalay ako ng kamatayan sa iyo." Nang makita ni Naomi na nakapagpasiya na siyang sumama sa kanya, wala na siyang sinabi. Sa gayo'y nagpatuloy silang dalawa hanggang sa sila'y makarating sa Bethlehem. Nang sila'y makarating sa Bethlehem, ang buong bayan ay nagkagulo dahil sa kanila; at sinabi ng mga babae, "Ito ba si Naomi?" Sinabi niya sa kanila, "Huwag na ninyo akong tawaging Naomi. Tawagin ninyo akong Mara, sapagkat pinakitunguhan ako nang may kapaitan ng Makapangyarihan sa lahat. Ako'y umalis na puno, ngunit ako'y pinauwi ng PANGINOON na walang dala. Bakit ninyo ako tinatawag na Naomi, gayong ang PANGINOON ay nakitungo ng marahas sa akin, at pinagdalamhati ako ng Makapangyarihan sa lahat?" Sa gayo'y nagbalik si Naomi at Ruth na Moabita, na kanyang manugang na kasama niya, mula sa lupain ng Moab. Sila'y dumating sa Bethlehem sa pasimula ng pag-aani ng sebada. Si Naomi ay may kamag-anak sa panig ng kanyang asawa, isang lalaking mayaman mula sa angkan ni Elimelec na ang pangalan ay Boaz. Sinabi ni Ruth na Moabita kay Naomi, "Hayaan mo ako ngayong pumunta sa bukid, at mamulot ng mga uhay sa hulihan ng taong magpapahintulot sa akin. Sinabi niya sa kanya, "Humayo ka, anak ko." Kaya't siya'y umalis. Siya'y dumating, at namulot sa bukid sa likuran ng mga nag-aani. Nagkataong nakarating siya sa bahagi ng lupa na pag-aari ni Boaz, na kabilang sa angkan ni Elimelec. At narito, si Boaz ay nakarating mula sa Bethlehem, at sinabi niya sa mga nag-aani, "Ang PANGINOON ay sumainyo!" At sila'y sumagot, "Pagpalain ka nawa ng PANGINOON." Pagkatapos ay sinabi ni Boaz sa kanyang lingkod na kanyang tagapamahala sa mga nag-aani, "Kaninong dalaga ito?" Ang lingkod na tagapamahala sa mga nag-aani ay sumagot, "Siya'y babaing Moabita na bumalik na kasama ni Naomi mula sa lupain ng Moab. Kanyang sinabi, 'Ipinapakiusap ko na pamulutin at pagtipunin mo ako sa gitna ng mga bigkis sa likuran ng mga nag-aani.' Sa gayo'y pumaroon siya at nagpatuloy, mula sa umaga hanggang ngayon, na hindi nagpapahinga kahit na sandali." Nang magkagayo'y sinabi ni Boaz kay Ruth, "Makinig kang mabuti, anak ko. Huwag kang mamulot sa ibang bukid, o umalis dito, kundi manatili kang malapit sa aking mga alilang babae. Itanaw mo ang iyong paningin sa bukid na kanilang inaanihan, at sumunod ka sa kanila. Inutusan ko na ang mga kabataang lalaki na huwag ka nilang gagambalain. At kapag ikaw ay nauuhaw, pumunta ka sa mga banga, at uminom ka sa inigib ng mga kabataang lalaki." Nang magkagayo'y nagpatirapa si Ruth at yumukod sa lupa, at nagsabi sa kanya, "Bakit ako nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin upang ako'y iyong pansinin, gayong ako'y isang dayuhan?" Ngunit sinabi ni Boaz sa kanya, "Ipinaalam sa akin ang lahat ng ginawa mo sa iyong biyenan mula sa pagkamatay ng iyong asawa, at kung paanong iyong iniwan ang iyong ama at iyong ina, at ang lupang sinilangan mo, at ikaw ay pumarito sa bayan na hindi mo nalalaman noon. Gantihan nawa ng PANGINOON ang iyong ginawa, at bigyan ka nawa ng lubos na gantimpala ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel, na sa ilalim ng kanyang mga pakpak ikaw ay nanganlong." Nang magkagayo'y kanyang sinabi, "Makatagpo nawa ako ng biyaya sa iyong paningin, panginoon ko; sapagkat ako'y iyong inaliw at may kabaitang pinagsalitaan mo ang iyong lingkod, bagaman ako'y hindi isa sa iyong mga alila." Sa oras ng pagkain ay sinabi ni Boaz sa kanya, "Halika, at kumain ka ng tinapay. Isawsaw mo sa suka ang iyong tinapay." Siya nga'y umupo sa tabi ng mga nag-aani at iniabot niya sa kanya ang sinangag na trigo, siya'y kumain, nabusog, at mayroon pa siyang hindi naubos. Nang siya'y tumindig upang mamulot ng inani, iniutos ni Boaz sa kanyang mga lingkod, "Pamulutin ninyo siya hanggang sa gitna ng mga bigkis, at huwag ninyo siyang pagbawalan. Ihugot din ninyo siya ng ilan sa mga bigkis, at iwan ninyo upang kanyang pulutin, at huwag ninyo siyang sawayin." Sa gayo'y namulot siya sa bukid hanggang sa paglubog ng araw. Nang kanyang giikin ang kanyang mga napulot, iyon ay halos isang epa ng sebada. Kanyang dinala ito at siya'y pumunta sa lunsod; at nakita ng kanyang biyenan ang kanyang mga pinulot. Inilabas rin niya at ibinigay sa kanyang biyenan ang pagkaing lumabis sa kanya pagkatapos na siya'y nabusog. Sinabi ng kanyang biyenan sa kanya, "Saan ka namulot ngayon? At saan ka nagtrabaho? Pagpalain nawa ang taong nagmagandang-loob sa iyo." Kaya't sinabi niya sa kanyang biyenan kung kanino siya nagtrabaho, "Ang pangalan ng taong pinagtrabahuhan ko ngayon ay Boaz." Sinabi ni Naomi sa kanyang manugang, "Pagpalain nawa siya ng PANGINOON, na hindi ipinagkait ang kanyang kagandahang-loob sa mga buhay at sa mga patay." At sinabi sa kanya ni Naomi, "Ang lalaking iyon ay isa nating kamag-anak, isa sa pinakamalapit nating kamag-anak." Sinabi ni Ruth na Moabita, "Bukod pa rito sinabi niya sa akin, 'Ikaw ay manatiling malapit sa aking mga lingkod hanggang sa kanilang matapos ang aking ani.' " Sinabi ni Naomi kay Ruth na kanyang manugang, "Mabuti, anak ko, na ikaw ay lumabas na kasama ng kanyang mga alilang babae. Baka gawan ka ng hindi mabuti sa ibang bukid." Sa gayo'y nanatili siyang malapit sa mga alilang babae ni Boaz, upang mamulot hanggang sa katapusan ng pag-aani ng sebada at pag-aani ng trigo; at siya'y nanirahang kasama ng kanyang biyenan. Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Naomi na kanyang biyenan, "Anak ko, hindi ba kita ihahanap ng tahanan para sa ikabubuti mo? Ngayon, hindi ba si Boaz ay ating kamag-anak, na ang kanyang mga katulong ay siya mong nakasama? Narito, siya'y gigiik ng sebada ngayong gabi sa giikan. Kaya't maligo ka at magpabango. Magbihis ka at bumaba sa giikan. Ngunit huwag mong ipaalam sa lalaki na naroon ka, hanggang siya'y makakain at makainom. At mangyayari kapag humiga na siya, iyong tandaan ang dakong kanyang hihigaan. Pagkatapos, pumaroon ka at iyong alisan ng takip ang kanyang mga paa, at mahiga ka. Sasabihin niya sa iyo kung ano ang iyong gagawin." Sinabi niya sa kanya, "Lahat ng iyong sinasabi sa akin ay aking gagawin." Siya'y bumaba sa giikan at ginawa niya ang ayon sa lahat ng iniutos sa kanya ng kanyang biyenan. Nang si Boaz ay makakain at makainom, at ang kanyang puso'y masaya na, siya'y pumunta upang humiga sa dulo ng bunton ng trigo. Pagkatapos, si Ruth ay dahan-dahang dumating, inalisan ng takip ang kanyang mga paa, at siya'y nahiga. At nangyari sa hatinggabi, na ang lalaki ay nagulat at bumaling. Nakita niya na may isang babaing nakahiga sa kanyang paanan! Sinabi niya, "Sino ka?" At siya'y sumagot, "Ako si Ruth, na iyong lingkod. Iladlad mo ang iyong balabal sa iyong lingkod sapagkat ikaw ay malapit na kamag-anak." Kanyang sinabi, "Pagpalain ka nawa ng PANGINOON, anak ko. Ginawa mong higit ang huling kagandahang-loob na ito kaysa sa una, na hindi ka naghanap ng kabataang lalaki maging dukha o mayaman. Ngayon, anak ko, huwag kang matakot. Gagawin ko sa iyo ang lahat na iyong sinasabi sapagkat alam ng aking buong bayan na ikaw ay isang babaing karapat-dapat. Tunay nga na ako'y malapit na kamag-anak, gayunman ay may mas malapit na kamag-anak pa kaysa akin. Maghintay ka ngayong gabi at sa kinaumagahan, kung kanyang tutuparin sa iyo ang bahagi ng malapit na kamag-anak ay mabuti; hayaan mong gawin niya. Ngunit kung ayaw niyang gawin sa iyo ang bahagi ng malapit na kamag-anak ay gagawin ko para sa iyo ang bahagi ng malapit na kamag-anak, habang ang PANGINOON ay nabubuhay. Mahiga ka hanggang umaga." Siya nga'y nahiga sa kanyang paanan hanggang umaga, ngunit siya'y bumangon bago pa magkakilala ang isa't isa. Kanyang sinabi, "Huwag nawang malaman na ang babae ay pumunta sa giikan." Kanyang sinabi, "Dalhin mo rito ang balabal na iyong suot at hawakan mo." Hinawakan niya ito, at siya'y tumakal ng anim na takal na sebada. Isinunong ito sa kanya at siya'y pumasok sa lunsod. Nang siya'y dumating sa kanyang biyenan ay sinabi niya, "Anong nangyari, anak ko?" Isinalaysay niya sa kanya ang lahat ng ginawa ng lalaki para sa kanya. Sinabi niya, "Ang anim na takal na sebadang ito ay ibinigay niya sa akin sapagkat kanyang sinabi, 'Huwag kang pupunta sa iyong biyenan nang walang dala.'" Nang magkagayo'y sinabi niya, "Maghintay ka, anak ko, hanggang sa iyong malaman kung ano ang mangyayari, sapagkat ang lalaking iyon ay hindi hihinto, hanggang sa matapos niya ang bagay sa araw na ito." Si Boaz ay nagtungo sa pintuang-bayan at naupo roon. Hindi nagtagal, ang malapit na kamag-anak na sinabi ni Boaz ay dumaan. Sinabi niya sa lalaking iyon "Halika, kaibigan. Maupo ka rito." Siya'y lumapit at naupo. Siya'y kumuha ng sampung lalaki sa matatanda ng bayan, at sinabi, "Maupo kayo rito." Kaya't sila'y naupo. Pagkatapos ay sinabi niya sa malapit na kamag-anak, "Si Naomi na bumalik na galing sa lupain ng Moab ay ipinagbibili ang bahagi ng lupa, na pag-aari ng ating kamag-anak na si Elimelec. Kaya't aking inisip na sabihin sa iyo na, "Bilhin mo sa harap ng mga nakaupo rito, at sa harap ng matatanda ng aking bayan. Kung iyong tutubusin ay tubusin mo; ngunit kung hindi mo tutubusin ay sabihin mo, upang malaman ko. Sapagkat wala ng iba pang tutubos liban sa iyo, at ako ang sumusunod sa iyo" At sinabi niya, 'Aking tutubusin." Nang magkagayo'y sinabi ni Boaz, "Sa araw na iyong bilhin ang bukid sa kamay ni Naomi, iyo ring binibili si Ruth na Moabita, na asawa ng namatay, upang ibangon ang pangalan ng namatay sa kanyang mana." At sinabi ng malapit na kamag-anak, "Hindi ko ito matutubos para sa aking sarili, baka masira ang aking sariling mana. Iyo na ang aking karapatan ng pagtubos, sapagkat hindi ko ito matutubos." Ito ang kaugalian nang unang panahon sa Israel tungkol sa pagtubos at tungkol sa pagpapalitan upang pagtibayin ang lahat ng mga bagay. Hinuhubad ng isa ang kanyang panyapak at ibinibigay sa kanyang kapwa; at ito ang paraan ng pagpapatotoo sa Israel. Kaya't nang sabihin ng malapit na kamag-anak kay Boaz, "Bilhin mo para sa iyo," ay hinubad niya ang kanyang panyapak. Sinabi ni Boaz sa matatanda at sa buong bayan, "Kayo'y mga saksi sa araw na ito, na aking binili ang lahat ng kay Elimelec, lahat ng kay Chilion at kay Malon, mula sa kamay ni Naomi. Bukod dito'y si Ruth na Moabita na asawa ni Malon, ay aking binili upang aking maging asawa, upang ibangon ang pangalan ng namatay sa kanyang mana, upang ang pangalan ng namatay ay huwag matanggal sa gitna ng kanyang mga kapatid, at sa pintuang-bayan ng kanyang sinilangan. Kayo'y mga saksi sa araw na ito." Pagkatapos, ang buong bayan na nasa pintuang-bayan at ang matatanda ay nagsabi, "Kami ay mga saksi. Gawin nawa ng PANGINOON na ang babaing papasok sa iyong bahay na maging gaya nina Raquel at Lea na sila ang nagtatag ng sambahayan ni Israel. Maging makapangyarihan ka nawa sa Efrata at maging bantog sa Bethlehem. Ang iyong sambahayan ay maging gaya ng sambahayan ni Perez na ipinanganak ni Tamar kay Juda, dahil sa mga anak na ibibigay ng PANGINOON sa iyo sa pamamagitan ng kabataang babaing ito." Kaya't kinuha ni Boaz si Ruth. Siya'y naging kanyang asawa; at siya'y sumiping sa kanya, pinagdalang-tao siya ng PANGINOON, at siya'y nanganak ng isang lalaki. Sinabi ng mga babae kay Naomi, "Purihin ang PANGINOON na hindi ka pinabayaan sa araw na ito na mawalan ng isang malapit na kamag-anak. Maging bantog nawa ang kanyang pangalan sa Israel. Siya sa iyo'y magiging tagapagpanumbalik ng buhay, at tagapag-alaga sa iyong katandaan; sapagkat ang iyong manugang na babae na nagmamahal sa iyo, na para sa iyo ay higit pa kaysa pitong anak na lalaki, ay nagsilang sa kanya." Kinuha ni Naomi ang bata, inihilig sa kanyang kandungan, at siya'y naging tagapag-alaga nito. Binigyan ng pangalan ang bata ng mga babaing kanyang kapit-bahay, na sinasabi, "May isang lalaki na ipinanganak kay Naomi." At tinawag nila ang pangalan niya na Obed. Siya ang ama ni Jesse na ama ni David." Ito ang mga salinlahi ni Perez: naging anak ni Perez si Hesron; naging anak ni Hesron si Ram, naging anak ni Ram si Aminadab; naging anak ni Aminadab si Naashon, naging anak ni Naashon si Salmon: naging anak ni Salmon si Boaz, naging anak ni Boaz si Obed; naging anak ni Obed si Jesse, at naging anak ni Jesse si David. May isang lalaking taga-Ramataim-zofim sa lupaing maburol ng Efraim na ang pangalan ay Elkana na anak ni Jeroham, na anak ni Eliu, na anak ni Tohu, na anak ni Zuf na Efraimita. Siya'y may dalawang asawa. Ang pangalan ng isa'y Ana at ang isa pa ay Penina. Si Penina ay may mga anak ngunit si Ana ay walang anak. Ang lalaking ito ay pumupunta taun-taon mula sa kanyang lunsod upang sumamba at maghandog sa PANGINOON ng mga hukbo sa Shilo, na doon ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas ay mga pari ng PANGINOON. Kapag dumarating ang araw na si Elkana ay naghahandog, kanyang binibigyan ng mga bahagi si Penina na kanyang asawa at ang lahat ng kanyang mga anak na lalaki at babae; ngunit si Ana ay binibigyan niya ng dobleng bahagi sapagkat minamahal niya si Ana, kahit na sinarhan ng PANGINOON ang kanyang bahay-bata. Siya ay labis na ginagalit ng kanyang kaagaw upang inisin siya, sapagkat sinarhan ng PANGINOON ang kanyang bahay-bata. Gayon ang nangyayari taun-taon. Tuwing pupunta siya sa bahay ng PANGINOON ay ginagalit niya si Ana. Kaya't si Ana ay tumangis at ayaw kumain. Sinabi ni Elkana na kanyang asawa, "Ana, bakit ka umiiyak? Bakit hindi ka kumakain? At bakit nalulungkot ang iyong puso? Hindi ba ako'y higit pa sa iyo kaysa sampung anak?" Tumindig si Ana, pagkatapos na sila'y makakain at makainom sa Shilo. Noon, si Eli na pari ay nakaupo sa upuan niya sa tabi ng haligi ng pintuan ng templo ng PANGINOON. Si Ana ay labis na nabagabag at nanalangin sa PANGINOON. Siya'y gumawa ng ganitong panata: "O PANGINOON ng mga hukbo, kung tunay na iyong titingnan ang pagdurusa ng iyong lingkod, at aalalahanin ako at hindi kalilimutan ang iyong lingkod, kundi iyong pagkakalooban ang iyong lingkod ng anak na lalaki, aking ibibigay siya sa PANGINOON sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay, at walang pang-ahit na daraan sa kanyang ulo." Habang siya'y patuloy sa pananalangin sa harapan ng PANGINOON, pinagmamasdan ni Eli ang kanyang bibig. Si Ana ay tahimik na nananalangin; tanging ang kanyang mga labi ang gumagalaw, ngunit ang kanyang tinig ay hindi naririnig. Kaya't inakala ni Eli na siya'y lasing. Kaya't sinabi ni Eli sa kanya, "Hanggang kailan ka magiging lasing? Alisin mo ang iyong alak." Ngunit sumagot si Ana, "Hindi, panginoon ko. Ako'y isang babaing lubhang naguguluhan. Hindi ako nakainom ng alak o inuming nakakalasing, kundi aking ibinubuhos ang aking kaluluwa sa harapan ng PANGINOON. Huwag mong ituring na babaing hamak ang iyong lingkod, sapagkat ako'y nagsasalita mula sa aking malaking pagkabalisa at pagkayamot." Nang magkagayo'y sumagot si Eli at sinabi, "Humayo kang payapa at ipagkaloob nawa sa iyo ng Diyos ng Israel ang kahilingan na idinulog mo sa kanya." At sinabi niya, "Makatagpo nawa ang iyong lingkod ng biyaya sa iyong paningin." Sa gayo'y nagpatuloy ng kanyang lakad ang babae at kumain, at ang kanyang mukha'y hindi na malungkot. Kinaumagahan, maaga silang bumangon at sumamba sa PANGINOON, pagkatapos ay umuwi sa kanilang bahay sa Rama. At nakilala ni Elkana si Ana na kanyang asawa, at inalala siya ng PANGINOON. Sa takdang panahon, si Ana ay naglihi at nanganak ng isang lalaki, at tinawag ang kanyang pangalan na Samuel. Sapagkat sinabi niya, "Hiningi ko siya sa PANGINOON." At ang lalaking si Elkana at ang buong sambahayan niya ay naglakbay upang maghandog sa PANGINOON ng taunang alay at upang tuparin ang kanyang panata. Ngunit si Ana ay hindi naglakbay sapagkat sinabi niya sa kanyang asawa, "Sa sandaling ang bata'y maihiwalay sa pagsuso ay dadalhin ko siya upang siya'y humarap sa PANGINOON, at manatili roon magpakailanman." Sinabi sa kanya ni Elkana na kanyang asawa, "Gawin mo ang inaakala mong pinakamabuti sa iyo. Maghintay ka hanggang sa maihiwalay mo siya sa pagsuso; lamang, nawa'y pagtibayin ng PANGINOON ang kanyang salita." Kaya't nanatili ang babae at inalagaan ang kanyang anak hanggang sa kanyang naihiwalay siya sa pagsuso. Nang kanyang maihiwalay na siya sa pagsuso, kanyang isinama siya na may dalang tatlong guyang lalaki, at isang efang harina, at alak sa isang sisidlang balat; at kanyang dinala siya sa bahay ng PANGINOON sa Shilo; at ang anak ay bata pa. Pagkatapos ay kanilang pinatay ang guyang lalaki at dinala ang bata kay Eli. Sinabi niya, "O panginoon ko! Habang ikaw ay buhay, aking panginoon, ako ang babaing nakatayo noon sa iyong harapan na dumadalangin sa PANGINOON. Dahil sa batang ito ako ay nanalangin, at ipinagkaloob sa akin ng PANGINOON ang aking kahilingan na idinulog sa kanya. Kaya't ipinapahiram ko siya sa PANGINOON; habang siya'y nabubuhay, siya ay ipinahiram sa PANGINOON." At doon ay sumamba siya sa PANGINOON. Si Ana ay nanalangin din at sinabi, "Nagagalak ang aking puso sa PANGINOON; ang aking lakas ay itinataas sa PANGINOON. Tinutuya ng aking bibig ang aking mga kaaway; sapagkat ako'y nagagalak sa iyong kaligtasan. "Walang banal na gaya ng PANGINOON; sapagkat walang iba maliban sa iyo, walang batong gaya ng aming Diyos. Huwag na kayong magsalita nang may kapalaluan; huwag lumabas sa inyong bibig ang kahambugan; sapagkat ang PANGINOON ay Diyos ng kaalaman, at ang mga kilos ay kanyang tinitimbang. Nabali ang mga pana ng mga makapangyarihan, ngunit ang mahihina ay nagbigkis ng kalakasan. Ang mga busog ay nagpaupa dahil sa tinapay; subalit ang dating gutom, gutom nila'y naparam. Ang baog ay pito ang isinilang. Ngunit ang may maraming anak ay namamanglaw. Ang PANGINOON ay pumapatay at bumubuhay; Siya ang nagbababa sa Sheol at nag-aahon. Ang PANGINOON ay nagpapadukha at nagpapayaman; siya ang nagpapababa, at siya rin ay nagpaparangal. Kanyang ibinabangon ang dukha mula sa alabok, itinataas niya ang nangangailangan mula sa bunton ng abo, upang sila'y paupuing kasama ng mga pinuno, at magmana ng trono ng karangalan. Sapagkat ang mga haligi ng lupa ay sa PANGINOON, at sa mga iyon ay ipinatong niya ang sanlibutan. "Kanyang iingatan ang mga paa ng kanyang mga banal; ngunit ang masama ay ihihiwalay sa kadiliman; sapagkat hindi dahil sa lakas na ang tao'y nagtatagumpay. Ang mga kaaway ng PANGINOON ay madudurog; laban sa kanila sa langit siya'y magpapakulog. Hahatulan ng PANGINOON ang mga dulo ng lupa; bibigyan niya ng kalakasan ang kanyang hari, at itataas ang kapangyarihan ng kanyang hinirang." Pagkatapos si Elkana ay umuwi sa Rama. At ang batang lalaki ay naglingkod sa PANGINOON sa harapan ni Eli na pari. Ngayon, ang mga anak ni Eli ay mga lapastangan; wala silang pakundangan sa PANGINOON, o sa mga katungkulan ng mga pari sa mga taong-bayan. Kapag ang sinuma'y naghahandog ng alay, lumalapit ang lingkod ng pari habang ang laman ay pinakukuluan na may hawak sa kamay na pang-ipit na may tatlong pantusok. Ilalagay niya ito sa kawali, o sa kawa, o sa kaldero, o sa palayok at lahat ng mahahango ng pantusok ay kukunin ng pari para sa kanyang sarili. Gayon ang ginagawa nila sa Shilo sa lahat ng mga Israelitang nagpupunta roon. Bukod dito, bago nila sunugin ang taba, lalapit ang lingkod ng pari at sasabihin sa lalaking naghahandog, "Bigyan mo ng maiihaw na laman ang pari, sapagkat hindi siya tatanggap mula sa iyo ng lutong laman, kundi hilaw." Kung sabihin ng lalaki sa kanya, "Sunugin muna nila ang taba at saka ka kumuha ng gusto mo," ay sasabihin niya, "Hindi, dapat mong ibigay na ngayon; at kung hindi, ay kukunin ko nang sapilitan." Kaya't ang kasalanan ng mga kabataang iyon ay napakalaki sa harap ng PANGINOON; sapagkat winalang kabuluhan ng mga tao ang handog sa PANGINOON. Si Samuel ay naglilingkod sa harap ng PANGINOON, isang batang may bigkis na linong efod. At iginagawa siya noon ng kanyang ina ng isang munting balabal at dinadala sa kanya taun-taon, kapag siya'y umaahong kasama ng kanyang asawa upang maghandog ng taunang alay. Binabasbasan naman ni Eli si Elkana at ang kanyang asawa at sinasabi, "Bigyan ka nawa ng PANGINOON ng binhi sa babaing ito para sa kahilingan na kanyang hiniling sa PANGINOON." Pagkatapos sila'y umuuwi sa kanilang sariling bahay. Dinalaw ng PANGINOON si Ana at siya'y naglihi, at nagkaanak ng tatlong lalaki at dalawang babae. At ang batang si Samuel ay lumaki sa harapan ng PANGINOON. Ngayon si Eli ay napakatanda na. Kanyang nabalitaan ang lahat ng ginagawa ng kanyang mga anak sa buong Israel, at kung paanong sila'y sumisiping sa mga babae na naglilingkod sa pintuan ng toldang tipanan. Kaya't sinabi niya sa kanila, "Bakit ninyo ginagawa ang mga gayong bagay? Sapagkat nababalitaan ko sa buong bayan ang inyong masasamang gawain. Huwag, mga anak ko; sapagkat hindi mabuting balita ang naririnig ko na ikinakalat ng bayan ng PANGINOON. Kung ang isang tao ay magkasala laban sa isang tao, ang Diyos ay mamamagitan para sa kanya; ngunit kung ang isang tao ay magkasala laban sa PANGINOON, sino ang mamamagitan para sa kanya?" Subalit ayaw nilang pakinggan ang tinig ng kanilang ama, sapagkat kalooban ng PANGINOON na patayin sila. Ang batang si Samuel ay patuloy na lumaki sa pangangatawan at gayundin sa pagbibigay-lugod sa PANGINOON at sa mga tao. Dumating kay Eli ang isang tao ng Diyos at sinabi sa kanya, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, 'Ipinahayag ko ang aking sarili sa sambahayan ng iyong ama nang sila'y nasa Ehipto, nang sila'y mga alipin sa sambahayan ni Faraon. Pinili ko siya mula sa lahat ng mga lipi ng Israel upang maging pari ko, upang maghandog sa aking dambana, upang magsunog ng insenso, at magsuot ng efod sa harap ko. Ibinigay ko sa sambahayan ng iyong ama ang lahat ng mga handog ng mga anak ni Israel na pinaraan sa apoy. Bakit niyuyurakan ninyo ang aking mga alay at ang aking handog na aking iniutos, at iyong pinararangalan ang iyong mga anak nang higit kaysa akin, upang kayo'y magpakataba sa mga pinakapiling bahagi sa bawat handog ng Israel na aking bayan?' Kaya't ipinahahayag ng PANGINOONG Diyos ng Israel, 'Aking ipinangako na ang iyong sambahayan, at ang sambahayan ng iyong ama ay lalakad sa harapan ko magpakailanman.' Ngunit ipinahahayag ngayon ng PANGINOON, 'Malayo sa akin; sapagkat ang mga nagpaparangal sa akin ay aking pararangalan, at ang mga humahamak sa akin ay mawawalan ng kabuluhan. Tingnan mo, ang mga araw ay dumating na aking puputulin ang iyong bisig at ang bisig ng sambahayan ng iyong ama, upang huwag magkaroon ng matanda sa iyong sambahayan. At sa kapighatian ay iyong mamasdan na may pagkainggit ang buong kasaganaan na ibibigay ng Diyos sa Israel; at hindi na magkakaroon ng matanda sa iyong sambahayan magpakailanman. Ang lalaki mula sa iyo na hindi ko ihihiwalay sa aking dambana ay maliligtas sa pagluha ng kanyang mga mata at pamamanglaw ng kanyang puso; at ang lahat ng naparagdag sa iyong sambahayan ay mamamatay sa kanilang kabataan. Ang mangyayari sa iyong dalawang anak na sina Hofni at Finehas ay magiging tanda sa iyo. Sila'y kapwa mamamatay sa iisang araw. Ako'y magbabangon para sa akin ng isang tapat na pari, na gagawa nang ayon sa nilalaman ng aking puso at pag-iisip. Ipagtatayo ko siya ng panatag na sambahayan; at siya'y maglalabas-masok sa harap ng aking binuhusan ng langis magpakailanman. Bawat isang naiwan sa iyong sambahayan ay lalapit at magmamakaawa sa kanya para sa isang pirasong pilak at sa isang pirasong tinapay, at magsasabi, Hinihiling ko sa iyo na ilagay mo ako sa isa sa mga katungkulang pagkapari, upang makakain ako ng isang subong tinapay.'" Ang batang si Samuel ay naglilingkod sa PANGINOON sa harap ni Eli. At ang salita ng PANGINOON ay bihira noong mga araw na iyon; hindi madalas ang pangitain. Nang panahong iyon, si Eli na ang paningin ay nagsimula nang lumabo, kaya't siya'y hindi makakita, ay nakahiga sa kanyang silid. Ang ilawan ng Diyos ay hindi pa namamatay at si Samuel ay nakahiga sa loob ng templo ng PANGINOON na kinaroroonan ng kaban ng Diyos; at tumawag ang PANGINOON, "Samuel! Samuel!" at kanyang sinabi, "Narito ako!" Siya'y tumakbo kay Eli, at sinabi, "Narito ako, sapagkat tinawag mo ako." At kanyang sinabi, "Hindi ako tumawag; mahiga ka uli." Siya'y umalis at nahiga. Muling tumawag ang PANGINOON, "Samuel." Bumangon si Samuel at naparoon kay Eli, at sinabi, "Narito ako, sapagkat ako'y tinawag mo." Siya'y sumagot, "Hindi ako tumawag, anak ko; mahiga ka uli." Hindi pa nakikilala ni Samuel ang PANGINOON at ang salita ng PANGINOON ay hindi pa nahahayag sa kanya. Sa ikatlong pagkakataon ay muling tinawag ng PANGINOON si Samuel. At siya'y bumangon, at naparoon kay Eli, at sinabi, "Narito ako; sapagkat ako'y iyong tinawag." At nalaman ni Eli na tinatawag ng PANGINOON ang bata. Kaya't sinabi ni Eli kay Samuel, "Humayo ka, mahiga ka; at kung tatawagin ka niya ay iyong sasabihin, 'Magsalita ka, PANGINOON; sapagkat nakikinig ang iyong lingkod.' " Kaya't humayo si Samuel at nahiga sa kanyang lugar. At ang PANGINOON ay dumating at tumayo, at tumawag na gaya nang una, "Samuel! Samuel!" Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel, "Magsalita ka; sapagkat nakikinig ang iyong lingkod." Sinabi ng PANGINOON kay Samuel, "Tingnan mo, malapit na akong gumawa ng isang bagay sa Israel na magpapapanting sa dalawang tainga ng bawat nakikinig. Sa araw na iyon ay aking tutuparin laban kay Eli ang lahat ng aking sinabi tungkol sa kanyang sambahayan, mula sa pasimula hanggang sawakas. Sapagkat sinabi ko sa kanya na malapit ko nang parusahan ang kanyang sambahayan magpakailanman, dahil sa kasamaan na kanyang nalalaman, sapagkat ang kanyang mga anak ay lumalapastangan sa Diyos, at sila'y hindi niya sinaway. Kaya't ako'y sumumpa sa sambahayan ni Eli na ang kasamaan ng sambahayan ni Eli ay hindi mapapawi ng alay o handog magpakailanman." Nahiga si Samuel hanggang sa kinaumagahan, at pagkatapos ay binuksan niya ang mga pintuan ng bahay ng PANGINOON. Takot si Samuel na sabihin kay Eli ang pangitain. Subalit tinawag ni Eli si Samuel at sinabi, "Samuel, anak ko." At kanyang sinabi, "Narito ako." Kanyang itinanong, "Ano ang sinabi niya sa iyo? Nakikiusap ako sa iyo na huwag mong ilihim sa akin. Gawin ng Diyos sa iyo, at higit pa, kung ililihim mo sa akin ang anumang bagay sa lahat ng kanyang sinabi sa iyo." Kaya't isinalaysay sa kanya ni Samuel ang lahat ng bagay at hindi naglihim ng anuman sa kanya. At kanyang sinabi, "Ang PANGINOON nga iyon; gawin niya ang inaakala niyang mabuti para sa kanya." Lumaki si Samuel at ang PANGINOON ay kasama niya, at hindi pinahintulutang ang alinman sa kanyang mga salita ay malaglag sa lupa. Nalaman ng buong Israel mula sa Dan hanggang sa Beer-seba na si Samuel ay itinatag bilang isang propeta ng PANGINOON. Nagpakitang: muli ang PANGINOON sa Shilo, sapagkat ipinakilala ng PANGINOON ang kanyang sarili kay Samuel sa Shilo sa pamamagitan ng salita ng PANGINOON. Ang salita ni Samuel ay dumating sa buong Israel. Ngayo'y lumabas ang Israel upang makipaglaban sa mga Filisteo. Sila'y humimpil sa Ebenezer, at ang mga Filisteo ay humimpil sa Afec. Ang mga Filisteo ay humanay laban sa Israel, at nang sila'y magsagupa, ang Israel ay nagapi ng mga Filisteo na pumatay ng halos apat na libong katao sa larangan ng digmaan. Nang ang mga kawal ay dumating sa kampo, sinabi ng matatanda ng Israel, "Bakit ipinatalo tayo ngayon ng PANGINOON sa harapan ng mga Filisteo? Dalhin natin dito ang kaban ng tipan ng PANGINOON mula sa Shilo upang siya ay makasama natin at iligtas tayo sa kamay ng ating mga kaaway." Kaya't nagpasugo ang bayan sa Shilo, at kanilang dinala mula roon ang kaban ng tipan ng PANGINOON ng mga hukbo, na nakaupo sa mga kerubin. Ang dalawang anak ni Eli, na sina Hofni at Finehas, ay naroroon at binabantayan ang kaban ng tipan ng Diyos. Nang ang kaban ng tipan ng PANGINOON ay dumating sa kampo, ang buong Israel ay sumigaw nang malakas, kaya't umalingawngaw ang lupa. Nang marinig ng mga Filisteo ang ingay ng sigawan ay sinabi nila, "Ano ang kahulugan ng ingay nitong malakas na sigawan sa kampo ng mga Hebreo?" At nang kanilang nalaman na ang kaban ng PANGINOON ay dumating sa kampo, ang mga Filisteo ay natakot, sapagkat kanilang sinabi, "May diyos na dumating sa kampo." Kanilang sinabi, "Kahabag-habag tayo! sapagkat hindi pa nagkaroon ng ganyang bagay kailanman. Kahabag-habag tayo! Sino ang magliligtas sa atin sa kamay ng mga makapangyarihang diyos na ito? Ito ang mga diyos na pumuksa sa mga taga-Ehipto sa pamamagitan ng sari-saring salot sa ilang. Kayo'y magpakatapang at magpakalalaki, O kayong mga Filisteo. Baka kayo'y maging mga alipin ng mga Hebreo na gaya ng naging kalagayan nila sa inyo. Kayo'y magpakalalaki at lumaban." Ang mga Filisteo ay lumaban at ang Israel ay natalo at tumakas ang bawat isa sa kanila patungo sa kanya-kanyang tahanan. Nagkaroon ng malaking patayan sapagkat ang nabuwal sa Israel ay tatlumpung libong kawal na lakad. Ang kaban ng Diyos ay nakuha at ang dalawang anak ni Eli, sina Hofni at Finehas ay napatay. May isang lalaking taga-Benjamin ang nakatakbo mula sa labanan, at nagtungo sa Shilo nang araw ding iyon na punit ang damit at may lupa sa kanyang ulo. Nang siya'y dumating, si Eli ay nakaupo sa kanyang upuan sa tabi ng daan at nagbabantay sapagkat ang kanyang puso'y nanginginig dahil sa kaban ng Diyos. Nang ang lalaki ay pumasok sa lunsod at sinabi ang balita, ang taong-bayan ay nanangis. Nang marinig ni Eli ang ingay ng sigawan ay kanyang sinabi, "Ano ang kahulugan ng ingay na ito?" At ang lalaki ay nagmadali, lumapit at nagbalita kay Eli. Si Eli noon ay siyamnapu't walong taon at ang kanyang mga mata'y malalabo na kaya't siya'y hindi na makakita. Sinabi ng lalaki kay Eli, "Kagagaling ko lamang sa labanan, at ako'y tumakas ngayon mula sa labanan." At kanyang sinabi, "Paano ang nangyari, anak ko?" Ang nagdala ng balita ay sumagot, "Ang Israel ay tumakas mula sa harap ng mga Filisteo. Nagkaroon din doon ng isang malaking patayan sa gitna ng mga hukbo. Ang iyong dalawang anak, sina Hofni at Finehas ay patay na, at ang kaban ng Diyos ay nakuha." Nang kanyang banggitin ang kaban ng Diyos, si Eli ay nabuwal na patalikod sa kanyang upuan sa tabi ng pintuang-bayan. Nabalian siya sa leeg, at siya'y namatay sapagkat siya'y isang lalaking matanda at mabigat. Naging hukom siya ng Israel sa loob ng apatnapung taon. Samantala, ang kanyang manugang, na asawa ni Finehas ay buntis at malapit nang manganak. Nang marinig niya ang balita na ang kaban ng Diyos ay nakuha at ang kanyang biyenan at asawa ay patay na, yumukod siya at napaanak, sapagkat ang kanyang pagdaramdam ay dumating sa kanya. Nang malapit na siyang mamatay, sinabi sa kanya ng mga babaing nakatayo sa tabi niya, "Huwag kang matakot sapagkat ikaw ay nanganak ng isang lalaki." Ngunit hindi siya sumagot, o nakinig man. Pinangalanan niya ang bata na Icabodd na sinasabi, "Ang kaluwalhatian ay umalis sa Israel," sapagkat ang kaban ng Diyos ay nakuha at dahil sa kanyang biyenan at sa kanyang asawa. Kanyang sinabi, "Ang kaluwalhatian ng Diyos ay umalis sa Israel, sapagkat ang kaban ng Diyos ay nakuha." Nang makuha ng mga Filisteo ang kaban ng Diyos, ito ay kanilang dinala sa Asdod mula sa Ebenezer. Pagkatapos ay kinuha ng mga Filisteo ang kaban ng Diyos at ipinasok sa bahay ni Dagon, at inilagay sa tabi ni Dagon. Kinaumagahan, nang bumangong maaga ang mga taga-Asdod, si Dagon ay buwal na nakasubsob doon sa lupa sa harap ng kaban ng PANGINOON. Kanilang kinuha si Dagon at muli siyang inilagay sa kanyang puwesto. Subalit nang sila'y maagang bumangon kinaumagahan, si Dagon ay buwal na nakasubsob sa lupa sa harap ng kaban ng PANGINOON. Ang ulo ni Dagon, gayundin ang kanyang mga kamay ay putol at nasa bungad ng pintuan; tanging ang katawan ni Dagon lamang ang naiwan sa kanya. Dahil dito ang mga pari ni Dagon at ang lahat ng pumapasok sa bahay ni Dagon ay hindi tumutuntong sa bungad ng pintuan ni Dagon sa Asdod, hanggang sa araw na ito. Ang kamay ng PANGINOON ay mabigat sa mga taga-Asdod. Kanyang tinakot sila at sinaktan ng mga bukol, ang Asdod at ang mga nasasakupan nito. Nang makita ng mga lalaki sa Asdod ang nangyayari ay kanilang sinabi, "Ang kaban ng Diyos ng Israel ay hindi dapat manatiling kasama natin sapagkat ang kanyang kamay ay mabigat sa atin at kay Dagon na ating diyos." Kaya't kanilang ipinatawag at tinipon ang lahat ng mga panginoon ng mga Filisteo at sinabi, "Ano ang ating gagawin sa kaban ng Diyos ng Israel?" At sila'y sumagot, "Dalhin sa Gat ang kaban ng Diyos ng Israel." At kanilang dinala roon ang kaban ng Diyos ng Israel. Subalit pagkatapos na kanilang madala, ang kamay ng PANGINOON ay naging laban sa lunsod na nagdulot ng malaking ligalig. Sinaktan niya ang mga tao sa lunsod, maging bata o matanda, kaya't may mga bukol na tumubo sa kanila. Kanilang ipinadala ang kaban ng Diyos sa Ekron. Subalit pagdating ng kaban ng Diyos sa Ekron, ang mga taga-Ekron ay sumigaw, "Kanilang dinala sa atin ang kaban ng Diyos ng Israel upang patayin tayo at ang ating taong-bayan." Kaya't ipinatawag nila at tinipon ang lahat ng panginoon ng mga Filisteo, at kanilang sinabi, "Ilayo ninyo ang kaban ng Diyos ng Israel at ibalik ninyo sa kanyang sariling lugar, upang huwag nito kaming patayin at ang aming taong-bayan." Sapagkat nagkaroon ng nakakamatay na pagkakagulo sa buong lunsod. Ang kamay ng Diyos ay lubhang mabigat doon. Ang mga lalaking hindi namatay ay nagkaroon ng mga bukol, at ang daing ng lunsod ay umabot hanggang sa langit. Ang kaban ng PANGINOON ay nasa lupain ng mga Filisteo sa loob ng pitong buwan. Ipinatawag ng mga Filisteo ang mga pari at ang mga manghuhula, na sinasabi, 'Anong aming gagawin sa kaban ng PANGINOON? Sabihin ninyo sa amin kung anong aming ipapadala kasama nito sa kanyang dako." At kanilang sinabi, "Kung inyong ipapadala ang kaban ng Diyos ng Israel, huwag ninyong ipadalang walang laman, kundi gawin ninyo ang lahat ng paraan na maibalik siya na may handog para sa budhing nagkasala. Kung magkagayo'y gagaling kayo at malalaman ninyo kung bakit ang kanyang kamay ay hindi humihiwalay sa inyo." Kanilang sinabi, "Ano ang handog para sa budhing nagkasala na aming ibabalik sa kanya?" At kanilang sinabi, "Iimang gintong bukol, at Iimang gintong daga ayon sa bilang ng mga panginoon ng mga Filisteo; sapagkat iisang salot ang dumating sa inyong lahat at sa inyong mga panginoon. Kaya't kailangang gumawa kayo ng mga anyo ng inyong mga bukol at daga na sumira ng lupain, at inyong bigyan ng kaluwalhatian ang Diyos ng Israel, baka sakaling kanyang pagaanin ang kanyang kamay sa inyo, sa inyong mga diyos, at sa inyong lupain. Bakit ninyo pinagmamatigas ang inyong puso gaya ng mga taga-Ehipto at ni Faraon na pinagmatigas ang kanilang puso? Pagkatapos na siya'y makagawa ng kahanga-hanga sa kanila, di ba pinahintulutan nilang umalis ang bayan, at sila'y umalis? Ngayo'y kumuha kayo at maghanda ng isang bagong kariton, at dalawang bagong bakang gatasan na hindi pa napatungan ng pamatok; at ikabit ninyo ang mga baka sa kariton ngunit iuwi ninyo ang kanilang mga guya. Kunin ninyo ang kaban ng PANGINOON, ilagay ninyo sa kariton, at isilid ninyo sa isang kahon na nasa tabi niyon ang mga hiyas na ginto na inyong ibabalik sa kanya bilang handog para sa budhing nagkasala. Pagkatapos ay paalisin na ninyo, at hayaang lumakad. Masdan ninyo. Kung umahon sa daang patungo sa kanyang sariling lupain sa Bet-shemes, kung gayon ay siya nga ang gumawa sa atin ng malaking pinsalang ito. Ngunit kung hindi, malalaman natin na hindi ang kanyang kamay ang nanakit sa atin, ito ay pangyayaring nagkataon lamang." Gayon ang ginawa ng mga lalaki, at kumuha ng dalawang bagong bakang gatasan at ikinabit sa kariton, at ikinulong ang kanilang mga guya sa bahay. Kanilang inilagay ang kaban ng PANGINOON sa kariton at ang kahon na may mga dagang ginto at mga anyo ng kanilang mga bukol. Ang mga baka ay tuluy-tuloy sa daang patungo sa Bet-shemes; sila'y nagpatuloy sa lansangan, na umuungal habang humahayo. Sila'y hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa; at ang mga panginoon ng mga Filisteo ay sumunod sa kanila hanggang sa hangganan ng Bet-shemes. Noon ang mga tagaBet-shemes ay nag-aani ng kanilang trigo sa libis. Nang sila'y tumingin at nakita ang kaban, sila ay nagalak na makita iyon. Ang kariton ay dumating sa bukid ni Josue na tagaBet-shemes at huminto roon. Isang malaking bato ang naroroon; at kanilang biniyak ang kahoy ng kariton at inihandog sa PANGINOON ang mga baka bilang handog na sinusunog. Ibinabang mga Levita ang kaban ng PANGINOON at ang kahon na nasa tagiliran niyon na may lamang mga hiyas na ginto, at ipinatong sa malaking bato. Ang mga lalaki sa Bet-shemes ay naghandog ng mga handog na sinusunog at nag-alay ng mga alay sa PANGINOON nang araw ding iyon. Nang makita ito ng limang panginoon ng mga Filisteo, sila ay bumalik sa Ekron nang araw ding iyon. Ito ang mga gintong bukol na ibinalik ng mga Filisteo sa PANGINOON bilang handog para sa budhing nagkasala: isa sa Asdod, isa sa Gaza, isa sa Ascalon, isa sa Gat, at isa sa Ekron. Ang mga dagang ginto, ayon sa bilang ng lahat ng mga lunsod ng mga Filisteo na sakop ng limang panginoon, ang mga lunsod na nakukutaan at mga nayoh sa kaparangan. Ang malaking bato na kanilang pinagbabaan ng kaban ng PANGINOON ay isang saksi hanggang sa araw na ito sa bukid ni Josue na tagaBet-shemes. Kanyang pinatay ang ilan sa mga tao sa Bet-shemes, sapagkat kanilang tiningnan ang loob ng kaban ng PANGINOON. Pumatay siya sa bayan ng pitumpung lalaki at limampung libong katao. Ang bayan ay nagluksa sapagkat ang PANGINOON ay gumawa ng malaking pagpatay sa taong-bayan. Sinabi ng mga lalaking tagaBet-shemes, "Sino ang makakatayo sa harap ng PANGINOON, dito sa banal na Diyos? Kanino niya ito ipadadala upang mapalayo sa atin?" Kaya't sila'y nagpadala ng mga sugo sa mga naninirahan sa Kiryat-jearim, na nagsasabi, "Ibinalik na ng mga Filisteo ang kaban ng PANGINOON; kayo'y lumusong at iahon ninyo sa inyo." Ang mga tao sa Kiryat-jearim ay dumating at iniahon ang kaban ng PANGINOON, at dinala sa bahay ni Abinadab sa burol; at kanilang itinalaga si Eleazar na kanyang anak upang ingatan ang kaban ng PANGINOON. Mula nang araw na ilagay ang kaban sa Kiryat-jearim ay lumipas ang mahabang panahon, mga dalawampung taon at ang buong sambahayan ng Israel ay tumaghoy sa PANGINOON. Nagsalita si Samuel sa buong sambahayan ng Israel, "Kung kayo'y nanunumbalik sa PANGINOON nang inyong buong puso ay inyo ngang alisin ang ibang mga diyos at ang mga Astarot na nasa inyo. Ituon ninyo ang inyong mga puso sa PANGINOON, at sa kanya lamang kayo maglingkod at ililigtas niya kayo sa kamay ng mga Filisteo." Kaya't inalis ng mga anak ni Israel ang mga Baal at ang mga Astarot, at ang PANGINOON lamang ang kanilang pinaglingkuran. Sinabi ni Samuel, "Tipunin ninyo ang buong Israel sa Mizpa at idadalangin ko kayo sa PANGINOON." Kaya't sila'y nagtipun-tipon sa Mizpa, umigib ng tubig, ibinuhos sa harap ng PANGINOON, at nag-ayuno nang araw na iyon. Sinabi nila roon, "Kami ay nagkasala laban sa PANGINOON." At naghukom si Samuel sa mga anak ni Israel sa Mizpa. Nang mabalitaan ng mga Filisteo na ang mga anak ni Israel ay nagtipon sa Mizpa, umahon laban sa Israel ang mga panginoon ng mga Filisteo. Nang mabalitaan iyon ng mga anak ni Israel, sila ay natakot sa mga Filisteo. Sinabi ng mga anak ni Israel kay Samuel, "Huwag kang tumigil ng pagsamo para sa atin sa PANGINOON nating Diyos, upang iligtas niya tayo sa kamay ng mga Filisteo." Kumuha si Samuel ng isang korderong pasusuhin at inihandog bilang buong handog na sinusunog sa PANGINOON. Dumaing si Samuel sa PANGINOON para sa Israel; at ang PANGINOON ay sumagot sa kanya. Samantalang si Samuel ay naghahandog ng handog na sinusunog, lumapit ang mga Filisteo upang lumusob sa Israel; ngunit ang PANGINOON ay nagpakulog ng isang malakas na kulog nang araw na iyon sa mga Filisteo at nilito sila. Sila'y nabuwal sa harap ng Israel. Ang mga lalaki ng Israel ay lumabas sa Mizpa at hinabol ang mga Filisteo at pinatay sila hanggang sa ibabang Betcar. Nang magkagayo'y kumuha si Samuel ng isang bato at inilagay sa pagitan ng Mizpa at ng Sen. Tinawag ang pangalan nito na Ebenezer sapagkat sinasabi niya, "Hanggang dito'y tinulungan tayo ng PANGINOON." Kaya't nagapi ang mga Filisteo at hindi na muling pumasok sa nasasakupan ng Israel. Ang kamay ng PANGINOON ay laban sa Filisteo sa lahat ng mga araw ni Samuel. Ang mga bayang sinakop ng mga Filisteo sa Israel ay ibinalik sa Israel, mula sa Ekron hanggang sa Gat; at binawi ng Israel ang kanilang nasasakupan mula sa kamay ng mga Filisteo. Nagkaroon din ng kapayapaan sa pagitan ng Israel at ng mga Amoreo. Naghukom si Samuel sa Israel sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay. Siya'y nagpalibut-libot taun-taon sa Bethel, Gilgal, at Mizpa; at naghukom siya sa Israel sa mga lugar na ito. Pagkatapos ay bumabalik siya sa Rama, sapagkat naroroon ang kanyang tahanan, at doon ay pinapangasiwaan din niya ang katarungan sa Israel. Nagtayo siya roon ng isang dambana sa PANGINOON. Nang si Samuel ay matanda na, ginawa niyang mga hukom sa Israel ang kanyang mga anak. Ang pangalan ng kanyang panganay na anak ay Joel at ang pangalawa ay Abias. Sila'y mga hukom sa Beer-seba. Ngunit ang kanyang mga anak ay hindi sumunod sa kanyang mga daan, kundi tumalikod dahil sa pakinabang. Sila'y tumanggap ng mga suhol at binaluktot ang katarungan. Nang magkagayo'y nagtipun-tipon ang mga matanda ng Israel at pumaroon kay Samuel sa Rama. At kanilang sinabi sa kanya, "Ikaw ay matanda na at ang iyong mga anak ay hindi sumusunod sa iyong mga daan. Humirang ka ngayon para sa amin ng isang hari upang mamahala sa amin gaya ng lahat ng mga bansa." Ngunit hindi minabuti ni Samuel nang kanilang sabihin, "Bigyan mo kami ng isang hari upang mamahala sa amin." At si Samuel ay nanalangin sa PANGINOON. Sinabi ng PANGINOON kay Samuel, "Pakinggan mo ang tinig ng bayan sa lahat ng kanilang sinasabi sa iyo; sapagkat hindi ikaw ang kanilang itinakuwil, kundi itinakuwil nila ako bilang hari nila. Ayon sa lahat ng mga bagay na kanilang ginawa mula nang araw na iahon ko sila mula sa Ehipto hanggang sa araw na ito, na kanilang tinatalikuran ako at naglilingkod sa ibang mga diyos ay gayundin ang ginagawa nila sa iyo. Ngayon nga'y dinggin mo ang kanilang tinig; lamang ay balaan mo silang mabuti, at ipakita mo sa kanila ang mga pamamaraan ng hari na maghahari sa kanila." Kaya't iniulat ni Samuel ang lahat ng mga salita ng PANGINOON sa bayan na humihingi sa kanya ng isang hari. Sinabi niya, "Ito ang magiging mga palakad ng hari na maghahari sa inyo: kanyang kukunin ang inyong mga anak at kanyang ilalagay sa kanyang mga karwahe upang maging mga mangangabayo na tatakbo sa unahan ng kanyang mga karwahe. Siya'y hihirang para sa kanya ng mga pinuno ng libu-libo at mga pinuno ng tiglilimampu; at ang iba ay upang mag-araro ng kanyang lupa, at gumapas ng kanyang ani, at upang gumawa ng kanyang mga kagamitang pandigma at mga kagamitan ng kanyang mga karwahe. Kanyang kukunin ang inyong mga anak na babae upang maging mga manggagawa ng pabango, mga tagapagluto, at mga magtitinapay. Kukunin niya ang pinakamainam ninyong mga bukid, mga ubasan, at mga taniman ng olibo upang ibigay ang mga iyon sa kanyang mga lingkod. Kukunin niya ang ikasampung bahagi ng inyong butil at ng inyong mga ubasan, at ibibigay sa kanyang mga punong kawal at mga lingkod. Kanyang kukunin ang inyong mga aliping lalaki at aliping babae, ang inyong pinakamabuting kabataan, at ang inyong mga asno, at ilalagay niya sa kanyang mga gawain. Kanyang kukunin ang ikasampung bahagi ng inyong mga kawan at kayo'y magiging kanyang mga alipin. Sa araw na iyon kayo'y daraing dahil sa inyong hari na inyong pinili para sa inyong sarili; ngunit hindi kayo sasagutin ng PANGINOON sa araw na iyon." Ngunit tumangging makinig ang bayan sa tinig ni Samuel at kanilang sinabi, "Hindi; kundi magkakaroon kami ng hari, upang kami naman ay maging gaya ng lahat ng mga bansa, at upang mamahala sa amin ang aming hari at lumabas sa unahan namin at lumaban sa aming mga digmaan." Nang marinig ni Samuel ang lahat ng mga salita ng bayan, kanyang inulit ang mga iyon sa pandinig ng PANGINOON. At sinabi ng PANGINOON kay Samuel, "Pakinggan mo ang kanilang tinig at bigyan mo sila ng hari." Sinabi ni Samuel sa mga tao sa Israel, "Umuwi ang bawat isa sa inyo sa kanya-kanyang lunsod." May isang lalaki sa Benjamin na ang pangala'y Kish, na anak ni Abiel, na anak ni Zeor, na anak ni Becora, na anak ni Afia, isang Benjaminita, isang taong mayaman. Siya'y may isang anak na lalaki na ang pangala'y Saul, isang makisig na kabataan. Sa mga anak ni Israel ay walang higit na makisig na lalaki kaysa kanya. Mula sa kanyang mga balikat paitaas ay higit siyang matangkad kaysa sinuman sa taong-bayan. Noon ang mga asno ni Kish na ama ni Saul ay nawawala. At sinabi ni Kish kay Saul na kanyang anak, "Isama mo ngayon ang isa sa mga tauhan. Tumindig ka at hanapin mo ang mga asno." Siya'y dumaan sa lupaing maburol ng Efraim at sa lupain ng Salisa, ngunit hindi nila natagpuan. Dumaan sila sa lupain ng Saalim, ngunit wala roon; at sila'y dumaan sa lupain ng mga Benjaminita, ngunit hindi nila nakita roon. Nang sila'y dumating sa lupain ng Zuf, sinabi ni Saul sa kanyang kasamang tauhan, "Tayo na, bumalik na tayo, baka ipagwalang-bahala ng aking ama ang mga asno at tayo ang alalahanin." Ngunit sinabi niya sa kanya, "May isang tao ng Diyos sa lunsod na ito, siya'y isang lalaking iginagalang. Lahat ng kanyang sinasabi ay nagkakatotoo. Pumunta tayo roon, marahil ay masasabi niya sa atin ang tungkol sa paglalakbay na ating isinagawa." Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kanyang lingkod, "Ngunit kung tayo'y pupunta roon, ano ang ating dadalhin sa lalaki? Naubos na ang tinapay sa ating mga buslo at wala na tayong madadalang kaloob sa tao ng Diyos. Anong mayroon tayo?" Muling sumagot ang lingkod kay Saul, at nagsabi, "Mayroon akong ikaapat na bahagi ng isang siklong pilak; ibibigay ko ito sa tao ng Diyos upang sabihin sa atin ang ating paglalakbay." (Noong una sa Israel, kapag ang isang tao ay sumasangguni sa Diyos, ay ganito ang sinasabi, "Halika, tayo'y pumaroon sa tagakita;" sapagkat ang tinatawag ngayon na propeta ay tinatawag noong una na tagakita.) Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kanyang lingkod, "Mabuti ang sinasabi mo. Halika, tayo'y pumaroon." Kaya't pumaroon sila sa bayang kinaroroonan ng tao ng Diyos. Samantalang patungo sila sa bayan ay nakasalubong sila ng mga dalagang lumalabas upang umigib ng tubig, at sinabi nila sa kanila, "Narito ba ang tagakita?" At sila'y sumagot sa kanila, "Siya'y nariyan, nasa unahan mo lamang. Magmadali kayo ngayon, sapagkat kararating pa lamang niya sa bayan sapagkat ang bayan ay may handog ngayon sa mataas na dako. Pagpasok ninyo sa bayan, agad ninyo siyang matatagpuan bago siya umahon sa mataas na dako upang kumain. Sapagkat ang taong-bayan ay hindi kakain hanggang sa siya'y dumating, sapagkat kailangang basbasan niya ang handog. Pagkatapos ay kumakain ang mga inanyayahan. Kaya nga lumakad na kayo sapagkat sa oras na ito'y inyong madadatnan siya." Kaya't sila'y pumunta sa bayan. Pagpasok nila sa bayan, nasalubong nila si Samuel na papaakyat sa mataas na dako. Nang araw bago dumating si Saul, ipinahayag ng PANGINOON kay Samuel: "Bukas sa ganitong oras ay susuguin ko sa iyo ang isang lalaki mula sa lupain ng Benjamin, at iyong bubuhusan siya ng langis upang maging pinuno sa aking bayang Israel. Ililigtas niya ang aking bayan sa kamay ng mga Filisteo; sapagkat aking nakita ang paghihirap ng aking bayan, dahil ang kanilang daing ay umabot sa akin." Nang makita ni Samuel si Saul ay sinabi ng PANGINOON sa kanya, "Narito ang lalaki na aking sinabi sa iyo! Siya ang magkakaroon ng kapangyarihan sa aking bayan." Pagkatapos ay lumapit si Saul kay Samuel sa pintuang-bayan, at sinabi, "Hinihiling ko sa iyo na sabihin mo sa akin kung saan naroon ang bahay ng nakakakita ng pangitain." Sumagot si Samuel kay Saul, "Ako ang tagakita; mauna kang umahon sa akin sa mataas na dako, sapagkat kakain kang kasalo ko ngayon, at sa kinaumagahan ay pauuwiin na kita at sasabihin ko sa iyo ang lahat ng nasa isip mo. Tungkol sa iyong mga asno na tatlong araw nang nawawala ay huwag mong alalahanin sapagkat natagpuan na. At para kanino ba ang lahat ng kanais-nais sa Israel? Hindi ba para sa iyo at sa buong sambahayan ng iyong ama?" Si Saul ay sumagot, "Hindi ba ako'y isang Benjaminita, mula sa pinakamaliit na lipi ng Israel? At hindi ba ang aking angkan ang pinakahamak sa mga angkan ng lipi ng Benjamin? Bakit ka nagsasalita sa akin sa ganitong paraan?" Kaya't ipinagsama ni Samuel si Saul at ang kanyang lingkod at ipinasok niya sila sa kabahayan, at binigyan sila ng lugar sa pangunahing upuan kasama ng mga naanyayahan, na may tatlumpung katao. Sinabi ni Samuel satagapagluto, "Dalhin mo rito ang bahagi na ibinigay ko sa iyo, na siyang aking sinabi sa iyo, 'Ibukod mo ito.'" Kaya't kinuha ng tagapagluto ang hita at ang bahaging itaas at inilagay sa harapan ni Saul. At sinabi ni Samuel, "Tingnan mo, ang itinabi ay inilagay sa harap mo. Kainin mo sapagkat ito ay iningatan para sa iyo hanggang sa takdang panahon sapagkat aking sinabi, na inanyayahan ko ang bayan." Kaya't kumain si Saul na kasalo ni Samuel nang araw na iyon. Nang sila'y makalusong sa lunsod mula sa mataas na dako, isang higaan ang inilatag para kay Saul sa bubungan ng bahay at siya'y humiga upang matulog. At sa pagbubukang-liwayway, tinawag ni Samuel si Saul sa bubungan, "Bangon, upang mapahayo na kita." Si Saul ay bumangon at kapwa sila lumabas ni Samuel. Habang sila'y lumalabas sa hangganan ng bayan ay sinabi ni Samuel kay Saul, "Sabihin mo sa lingkod na mauna na sa atin, at kapag siya'y nakaraan ay tumigil ka rito, upang maipaalam ko sa iyo ang salita ng Diyos." Nang magkagayo'y kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at ibinuhos ang langis sa ulo ni Saul at hinagkan siya; at sinabi, "Hindi ba hinirang ka ng PANGINOON upang maging pinuno sa kanyang mana? Pag-alis mo sa akin ngayon, masasalubong mo ang dalawang lalaki sa tabi ng libingan ni Raquel, sa nasasakupan ng Benjamin sa Selsa; sasabihin nila sa iyo, 'Ang mga asno na iyong hinahanap ay natagpuan na at ngayon ay hindi na inaalala ng iyong ama ang mga asno at ang inaalala ay kayo na sinasabi, "Ano ang aking gagawin sa aking anak?"' Kung magkagayo'y magpapatuloy ka mula roon, at darating ka sa ensina ng Tabor. Masasalubong ka roon ng tatlong lalaki na paahon sa Diyos sa Bethel; ang isa'y may dalang tatlong batang kambing, ang isa'y may dalang tatlong tinapay, at ang isa'y may dalang isang balat na sisidlan ng alak. Babatiin ka nila at bibigyan ka ng dalawang tinapay na iyong tatanggapin mula sa kanila. Pagkatapos ay darating ka sa burol ng Diyos na kinaroroonan ng isang himpilan ng mga Filisteo. Pagdating mo sa lunsod, makakasalubong ka ng isang pangkat ng mga propeta na lumulusong mula sa mataas na dako, na may alpa, pandereta, plauta, at lira sa harap nila; na nagpapahayag ng propesiya. Pagkatapos, ang Espiritu ng PANGINOON ay makapangyarihang lulukob sa iyo, at magsasalita ka ng propesiya na kasama nila at magiging ibang lalaki. Kapag ang mga tandang ito ay nangyari sa iyo, gawin mo ang anumang nakikita mong nararapat sapagkat ang Diyos ay kasama mo. Ikaw ay lulusong na una sa akin sa Gilgal; at, ako'y darating sa iyo upang maghandog ng mga handog na sinusunog, at mag-alay ng mga alay na handog pangkapayapaan. Maghihintay ka ng pitong araw hanggang sa ako'y dumating sa iyo at ipapakita ko sa iyo kung ano ang iyong gagawin." Nang siya ay tumalikod upang iwan si Samuel ay binigyan siya ng Diyos ng ibang puso; at ang lahat na mga tandang ito ay nangyari sa araw na iyon. Pagdating nila sa Gibea, isang pangkat ng mga propeta ang sumalubong sa kanya; at ang Espiritu ng Diyos ay makapangyarihang sumakanya, at siya'y nagsalita ng propesiya kasama nila. Nang makita ng lahat ng nakakakilala sa kanya nang una kung paano siya magsalita ng propesiya kasama ng mga propeta, ang bayan ay nagsabi sa isa't isa, "Ano itong nangyari sa anak ni Kish? Si Saul ba ay isa na rin sa mga propeta?" Isang lalaking tagaroon ang sumagot at nagsabi, "At sino ang kanilang ama?" Kaya't naging kasabihan, "Si Saul ba ay isa na rin sa mga propeta?" Nang siya'y makatapos makapagsalita ng propesiya, siya'y pumunta sa isang mataas na dako. Sinabi ng tiyo ni Saul sa kanya at sa kanyang lingkod, "Saan kayo pumunta?" At kanyang sinabi, "Upang hanapin ang mga asno at nang ito ay hindi namin matagpuan ay pumunta kami kay Samuel." Sinabi ng tiyo ni Saul, "Sabihin mo sa akin kung ano ang sinabi ni Samuel sa inyo." Sinabi ni Saul sa kanyang tiyo, "Sinabi niyang maliwanag sa amin na ang mga asno ay natagpuan na." Ngunit tungkol sa bagay ng kaharian na sinabi ni Samuel, hindi niya iyon sinabi sa kanya. At tinipon ni Samuel ang bayan sa PANGINOON sa Mizpa at sinabi niya sa mga anak ni Israel, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng Israel, 'Iniahon ko ang Israel mula sa Ehipto, at pinalaya ko kayo sa kamay ng mga taga-Ehipto, at sa kamay ng lahat ng mga kaharian na nagpahirap sa inyo.' Ngunit itinakuwil ninyo sa araw na ito ang inyong Diyos na nagligtas sa inyo mula sa lahat ng inyong kapahamakan at mga kapighatian. Sinabi ninyo sa kanya, 'Hindi, kundi maglagay ka sa amin ng isang hari.' Ngayon nga'y humarap kayo sa PANGINOON ayon sa inyu-inyung mga lipi, at ayon sa inyong mga libu-libo." Sa gayo'y pinalapit ni Samuel ang lahat ng mga lipi, at ang lipi ni Benjamin ang nakuha sa palabunutan. Kanyang inilapit ang lipi ni Benjamin ayon sa kanyang mga angkan; at ang angkan ni Matri ay siyang napili. Si Saul na anak ni Kish ay siyang napili ngunit nang kanilang hanapin siya ay hindi natagpuan. Kaya't muli nilang itinanong sa PANGINOON, "May lalaki pa bang pupunta rito?" At ang PANGINOON ay sumagot, "Tingnan mo, siya'y nagtago sa mga dala-dalahan." Sila'y tumakbo at kanilang kinuha siya mula roon. Nang siya'y tumayo sa gitna ng taong-bayan, siya ay mas mataas kaysa sinuman sa taong-bayan, mula sa kanyang mga balikat pataas. Sinabi ni Samuel sa buong bayan, "Nakikita ba ninyo siya na pinili ng PANGINOON? Walang gaya niya sa buong bayan." Ang buong bayan ay sumigaw at nagsabi, "Mabuhay ang hari!" Pagkatapos ay sinabi ni Samuel sa taong-bayan ang mga karapatan at katungkulan ng hari; at isinulat niya sa isang aklat at inilagay sa harap ng PANGINOON. Pinauwi ni Samuel ang buong bayan, bawat tao sa kanyang bahay. Si Saul man ay umuwi sa kanyang bahay sa Gibea; at humayong kasama niya ang mga mandirigma na ang mga puso ay kinilos ng Diyos. Ngunit sinabi ng ilang hamak na tao, "Paano tayo ililigtas ng taong ito?" At kanilang hinamak siya at hindi nila dinalhan ng kaloob. Ngunit siya'y hindi umimik. Pagkalipas ng halos isang buwan sumalakay si Nahas na Ammonita at kinubkob ang Jabes-gilead; at sinabi kay Nahas ng lahat ng lalaki sa Jabes, "Makipagkasundo ka sa amin, at kami ay maglilingkod sa iyo." Ngunit sinabi ni Nahas na Ammonita sa kanila, "Makikipagkasundo ako sa inyo kung ipadudukit ninyo sa akin ang inyong mga kanang mata upang mailagay sa kahihiyan ang buong Israel." At sinabi sa kanya ng matatanda ng Jabes, "Bigyan mo kami ng palugit na pitong araw upang kami ay makapagpadala ng mga sugo sa buong nasasakupan ng Israel. At kung wala ngang magliligtas sa amin, ibibigay namin ang aming sarili sa iyo." Nang dumating sa Gibea ang mga sugo kay Saul, ibinalita nila ang bagay na ito sa pandinig ng taong-bayan at ang buong bayan ay umiyak nang malakas. Noon, si Saul ay dumarating mula sa bukid sa hulihan ng mga baka; at sinabi ni Saul, "Anong nangyayari sa taong-bayan at sila'y umiiyak?" Kaya't kanilang sinabi sa kanya ang balita ng mga lalaki mula sa Jabes. At ang Espiritu ng Diyos ay makapangyarihang lumukob kay Saul nang kanyang marinig ang mga salitang iyon, at ang kanyang galit ay lubhang nag-alab. Siya'y kumuha ng dalawang magkatuwang na baka at kanyang kinatay, at ipinadala niya ang mga piraso sa lahat ng nasasakupan ng Israel sa pamamagitan ng mga sugo, na sinasabi, "Sinumang hindi lumabas upang sumunod kina Saul at Samuel ay ganito rin ang gagawin sa kanyang mga baka." At ang takot sa PANGINOON ay dumating sa mga tao, at sila'y lumabas na parang iisang tao. Nang kanyang tipunin sila sa Bezec, ang mga anak ni Israel ay tatlongdaang libo, at ang mga lalaki ng Juda ay tatlumpung libo. At sinabi nila sa mga sugong dumating, "Ganito ang inyong sasabihin sa mga lalaki sa Jabes-gilead, 'Bukas, sa kainitan ng araw ay magkakaroon ng kaligtasan.'" Nang dumating ang mga sugo at sabihin sa mga lalaki sa Jabes, sila ay natuwa. Kaya't sinabi ng mga lalaki sa Jabes, "Bukas ay ibibigay namin ang aming sarili sa inyo at maaari ninyong gawin sa amin ang lahat ng inaakala ninyong mabuti sa inyo." Kinabukasan, inilagay ni Saul ang taong-bayan sa tatlong pangkat. Nang sila'y pumasok sa gitna ng kampo nang mag-umaga na, at pinatay ang mga Ammonita hanggang sa kainitan ng araw. Ang mga nalabi ay nangalat, anupa't walang dalawang naiwang magkasama. At sinabi ng taong-bayan kay Samuel, "Sino ba ang nagsabi, 'Maghahari ba si Saul sa amin?' Dalhin dito ang mga taong iyon upang aming patayin sila." Ngunit sinabi ni Saul, "Walang taong papatayin sa araw na ito, sapagkat ngayo'y gumawa ang PANGINOON ng pagliligtas sa Israel." Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel sa taong-bayan, "Halikayo at tayo'y pumunta sa Gilgal, at doon ay ating ibabalik ang kaharian." At ang buong bayan ay pumunta sa Gilgal at doo'y ginawa nilang hari sa Gilgal si Saul sa harapan ng PANGINOON. Doon ay nag-alay sila ng handog pangkapayapaan sa harapan ng PANGINOON. Si Saul at ang lahat ng mga lalaki ng Israel ay labis na nagalak doon. Sinabi ni Samuel sa buong Israel, "Narito, aking pinakinggan ang inyong tinig sa lahat ng inyong sinabi sa akin, at naglagay ako ng isang hari para sa inyo. Tingnan ninyo, ng hari ang nangunguna sa inyo ngayon. Ako'y matanda na at ubanin, ngunit ang aking mga anak ay kasama ninyo. Nanguna ako sa inyo mula sa aking kabataan hanggang sa araw na ito. Narito ako; sumaksi kayo laban sa akin sa harap ng PANGINOON, at sa harap ng kanyang binuhusan ng langis. Kaninong baka ang kinuha ko? O kaninong asno ang kinuha ko? O sino ang aking dinaya? Sino ang aking inapi? O kaninong kamay ako kumuha ng suhol upang bulagin niyon ang aking mga mata? Sumaksi kayo laban sa akin at aking isasauli sa inyo." Kanilang sinabi, "Hindi ka nandaya sa amin, ni inapi kami, ni tumanggap man ng anuman sa kamay ng sinuman." At sinabi niya sa kanila, "Ang PANGINOON ay saksi laban sa inyo at ang kanyang binuhusan ng langis ay saksi sa araw na ito na hindi kayo nakatagpo ng anuman sa aking kamay." At kanilang sinabi, "Siya'y saksi." At sinabi ni Samuel sa bayan, "Ang PANGINOON ang siyang humirang kina Moises at Aaron at siyang naglabas sa inyong mga ninuno mula sa lupain ng Ehipto. Ngayon nga'y tumayo kayo, upang ako'y makiusap na kasama ninyo sa harap ng PANGINOON tungkol sa lahat ng matuwid na gawa ng PANGINOON na kanyang ginawa sa inyo at sa inyong mga ninuno. Nang si Jacob ay makapasok sa Ehipto, at ang inyong mga ninuno ay dumaing sa PANGINOON, sinugo ng PANGINOON sina Moises at Aaron, na siyang naglabas sa inyong mga ninuno mula sa Ehipto, at pinatira sila sa lugar na ito. Ngunit nilimot nila ang PANGINOON nilang Diyos. Kanyang ipinagbili sila sa kamay ni Sisera, na pinuno ng hukbo ni Hazor, at sa kamay ng mga Filisteo, at sa kamay ng hari sa Moab; at sila'y nakipaglaban sa kanila. Sila'y dumaing sa PANGINOON at nagsabi, 'Kami ay nagkasala, sapagkat tinalikuran namin ang PANGINOON at naglingkod kami sa mga Baal at sa mga Astarot; ngunit ngayo'y iligtas mo kami sa kamay ng aming mga kaaway at kami ay maglilingkod sa iyo.' Kaya't isinugo ng PANGINOON sina Jerubaal, Bedan, Jefta, at si Samuel, at iniligtas kayo sa kamay ng inyong mga kaaway sa bawat dako, at kayo'y nanirahang tiwasay. Nang makita ninyo na si Nahas na hari ng mga anak ni Ammon ay dumating laban sa inyo, ay inyong sinabi sa akin, 'Hindi, kundi isang hari ang maghahari sa amin;' baga-man ang PANGINOON ninyong Diyos ay siya ninyong hari. Ngayon nga'y masdan ninyo ang hari na inyong pinili, na siya ninyong hiningi: at, tingnan ninyo, nilagyan kayo ng PANGINOON sa inyo ng isang hari. Kung kayo'y matatakot sa PANGINOON, maglilingkod sa kanya, makikinig sa kanyang tinig, at hindi maghihimagsik laban sa utos ng PANGINOON, at kung kayo at ang hari na naghahari sa inya ay magiging masunurin sa PANGINOON ninyong Diyos, ito ay magiging mabuti. Ngunit kung hindi ninyo papakinggan ang tinig ng PANGINOON, kundi maghihimagsik kayo laban sa utos ng PANGINOON, ay magiging laban sa inyo ang kamay ng PANGINOON gaya ng sa inyong mga ninuno. Ngayon ay tumahimik kayo at tingnan ninyo ang dakilang bagay na ito na gagawin ng PANGINOON sa harap ng inyong mga paningin. Hindi ba pag-aani ng trigo ngayon? Ako'y tatawag sa PANGINOON upang siya'y magpadala ng kulog at ulan; at inyong malalaman at makikita na napakalaki ang kasamaan na inyong ginawa sa paningin ng PANGINOON sa paghingi ninyo para sa inyong sarili ng isang hari." Kaya't tumawag si Samuel sa PANGINOON at ang PANGINOON ay nagpadala ng kulog at ulan nang araw na iyon. Ang buong bayan ay lubhang natakot sa PANGINOON at kay Samuel. Sinabi ng buong bayan kay Samuel, "Ipanalangin mo ang iyong mga lingkod sa PANGINOON mong Diyos upang huwag kaming mamatay; sapagkat aming idinagdag sa lahat ng aming mga kasalanan ang kasamaan ng paghingi para sa amin ng isang hari." At sinabi ni Samuel sa bayan, "Huwag kayong matakot, tunay na inyong ginawa ang buong kasamaang ito; gayunma'y huwag kayong lumihis mula sa pagsunod sa PANGINOON, kundi kayo'y maglingkod nang buong puso sa PANGINOON. Huwag kayong bumaling sa pagsunod sa mga bagay na walang kabuluhan na hindi magbibigay ng pakinabang o makapagliligtas, sapagkat ang mga iyon ay walang kabuluhan. Sapagkat hindi itatakuwil ng PANGINOON ang kanyang bayan alang-alang sa kanyang dakilang pangalan, sapagkat kinalugdan ng PANGINOON na gawin kayong bayan para sa kanya. Bukod dito, sa ganang akin, huwag nawang mangyari sa akin na ako'y magkasala laban sa PANGINOON sa paghinto ng pananalangin para sa inyo, kundi ituturo ko sa inyo ang maburi at matuwid na daan. Matakot lamang kayo sa PANGINOON, at maglingkod kayo nang tapat sa kanya ng inyong buong puso. Alalahanin ninyo ang mga dakilang bagay na kanyang ginawa sa inyo. Ngunit kung kayo'y gagawa pa rin ng kasamaan, kayo at ang inyong hari ay mapupuksa." Si Saul ay... taong gulang nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari ng... at dalawang taon sa Israel. Pumili si Saul ng tatlong libong lalaki sa Israel. Ang dalawang libo ay kasama ni Saul sa Mikmas at sa maburol na lupain ng Bethel, at ang isang libo ay kasama ni Jonathan sa Gibea ng Benjamin. Ang nalabi sa mga tao ay pinauwi niya, bawat isa sa kanyang tolda. Ginapi ni Jonathan ang tanggulan ng mga Filisteo na nasa Geba at ito ay nabalitaan ng mga Filisteo. At hinipan ni Saul ang trumpeta sa buong lupain, na sinasabi, "Makinig ang mga Hebreo." At narinig ng buong Israel na nagapi ni Saul ang tanggulan ng mga Filisteo, at ang Israel naman ay naging kasuklamsuklam sa mga Filisteo. At ang taong-bayan ay tinawagan upang sumanib kay Saul sa Gilgal. Ang mga Filisteo ay nagtipun-tipon upang lumaban sa Israel, tatlumpung libong karwahe at anim na libong mangangabayo, at ang hukbo ay gaya ng buhangin sa baybayin ng dagat sa dami; at sila'y umahon at humimpil sa Mikmas sa silangan ng Bet-haven. Nang makita ng mga kalalakihan ng Israel na sila'y nasa kagipitan, (sapagkat ang taong-bayan ay naiipit) ang taong-bayan ay nagkubli sa mga yungib, mga lungga, batuhan, mga libingan, at sa mga balon. Ang iba sa mga Hebreo ay tumawid sa Jordan patungo sa lupain ng Gad at ng Gilead; ngunit si Saul ay nasa Gilgal at ang buong bayan ay sumunod sa kanya na nanginginig. Siya'y naghintay ng pitong araw ayon sa panahong itinakda ni Samuel; ngunit si Samuel ay hindi dumating sa Gilgal; at ang taong-bayan ay nagsimulang humiwalay kay Saul.' Kaya't sinabi ni Saul, "Dalhin dito sa akin ang handog na susunugin, at ang handog pangkapayapaan." At kanyang inialay ang handog na sinusunog. Pagkatapos niyang maialay ang handog na sinusunog, si Samuel ay dumating. Lumabas si Saul upang salubungin siya at batiin. Sinabi ni Samuel, "Anong ginawa mo?" At sinabi ni Saul, "Nang aking makita na ang taong-bayan ay humihiwalay sa akin, at hindi ka dumating sa loob ng mga takdang araw, at ang mga Filisteo ay nagkatipon sa Mikmas; ay aking sinabi, 'Ngayo'y lulu-sungin ako ng mga Filisteo sa Gilgal, at hindi ko pa nahihingi ang biyaya ng PANGINOON;' kaya't pinilit ko ang aking sarili at inialay ko ang handog na sinusunog." Sinabi ni Samuel kay Saul, "Kahangalan ang ginagawa mo. Hindi mo tinupad ang utos ng PANGINOON mong Diyos na iniutos niya sa iyo. Ngayo'y itinatag sana ng PANGINOON ang iyong kaharian sa Israel magpakailanman. Ngunit ngayon ay hindi na magpapatuloy ang iyong kaharian. Ang PANGINOON ay humanap na ng isang lalaking ayon sa kanyang sariling puso, at itinalaga siya ng PANGINOON upang maging pinuno sa kanyang bayan, sapagkat hindi mo tinupad ang iniutos ng PANGINOON sa iyo." Tumindig si Samuel at umahon mula sa Gilgal patungo sa Gibea ng Benjamin. Binilang ni Saul ang mga taong kasama niya, may animnaraang lalaki. Si Saul, si Jonathan na kanyang anak, at ang mga taong kasama nila ay tumigil sa Geba ng Benjamin; ngunit ang mga Filisteo ay humimpil sa Mikmas. At ang mga mananalakay ay lumabas na tatlong pangkat sa kampo ng mga Filisteo. Ang isang pangkat ay lumiko sa daang patungo sa Ofra, na patungo sa lupain ng Sual. Ang isa pang pangkat ay lumiko sa daang patungo sa Bet-horon, at ang isang pangkat ay lumiko sa hangganan na palusong sa libis ng Zeboim patungo sa ilang. Noon ay walang panday na matagpuan sa buong lupain ng Israel, sapagkat sinasabi ng mga Filisteo, "Baka ang mga Hebreo ay gumawa ng kanilang mga tabak o mga sibat;" ngunit nilusong ng lahat ng mga Israelita ang mga Filisteo upang ihasa ng bawat lalaki ang kanyang pang-araro, asarol, palakol, at piko; gayunma'y mayroon silang pangkikil para sa mga piko, asarol, kalaykay, at sa mga palakol, at panghasa ng mga panundot. Kaya't sa araw ng paglalaban ay wala kahit tabak o sibat mang matatagpuan sa kamay ng sinuman sa mga taong kasama nina Saul at Jonathan. Sina Saul at Jonathan na kanyang anak lamang ang mayroon ng mga ito. At ang pulutong ng mga Filisteo ay lumabas patungo sa lagusan ng Mikmas. Isang araw, sinabi ni Jonathan na anak ni Saul sa kabataang tagadala ng kanyang sandata, "Halika at tayo'y dumaan sa himpilan ng mga Filisteo na nasa kabilang ibayo." Ngunit hindi niya ipinagbigay-alam sa kanyang ama. Si Saul ay namamalagi sa mga karatig-pook ng Gibea sa ilalim ng puno ng granada na nasa Migron. Ang mga taong kasama niya ay may animnaraang lalaki, at si Achias na anak ni Achitob, na kapatid ni Icabod, na anak ni Finehas, na anak ni Eli, na pari ng PANGINOON sa Shilo, na may suot na efod. Hindi nalalaman ng taong-bayan na si Jonathan ay nakaalis na. Sa pagitan ng mga lagusan na pinagsikapan ni Jonathan na daanan tungo sa himpilan ng mga Filisteo ay mayroong isang batong maraming tulis sa isang dako at isang batong maraming tulis sa kabilang dako. Ang pangalan ng isa ay Boses at ang pangalan ng isa pa ay Sene. Ang isang tulis ay pataas sa hilaga sa tapat ng Mikmas, at ang isa ay sa timog sa tapat ng Geba. Sinabi ni Jonathan sa kabataang tagadala ng kanyang sandata, "Halika at tayo ay dumaan sa himpilan ng mga hindi tuling ito. Marahil ang PANGINOON ay tutulong sa atin sapagkat walang makakahadlang sa PANGINOON na magligtas sa pamamagitan ng marami o ng kaunti." At sinabi sa kanya ng kanyang tagadala ng sandata, "Gawin mo ang lahat ng nasa isip mo; ako'y kasama mo, kung ano ang nasa isip mo ay gayundin ang sa akin." Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan, "Ngayon ay lampasan natin ang mga lalaking iyon, at ipakita natin ang ating sarili sa kanila. Kapag sinabi nila sa atin, 'Maghintay kayo hanggang sa kami ay dumating sa inyo;' ay maghihintay nga tayo sa ating lugar at hindi aahon sa kanila! Ngunit kapag sinabi nila, 'Umahon kayo sa amin,' ay aahon nga tayo sapagkat ibinigay sila ng PANGINOON sa ating kamay. Ito ang magiging tanda sa atin." Kaya't kapwa sila nagpakita sa himpilan ng mga Filisteo. Sinabi ng mga Filisteo, "Tingnan ninyo, ang mga Hebreo ay lumabas sa mga lungga na kanilang pinagtaguan." Tinawag ng mga lalaki sa himpilan si Jonathan at ang kanyang tagadala ng sandata, at sinabi, "Umahon kayo rito at mayroon kaming ipapakita sa inyo." At sinabi ni Jonathan sa kanyang tagadala ng sandata, "Umahon ka na kasunod ko, sapagkat ibinigay sila ng PANGINOON sa kamay ng Israel." At umakyat si Jonathan sa pamamagitan ng kanyang mga kamay at paa at ang kanyang tagadala ng sandata ay kasunod niya. Ang mga Filisteo ay nabuwal sa harap ni Jonathan; at ang mga iyo'y pinagpapatay ng kanyang tagadala ng sandata na kasunod niya. Sa unang pagpatay na iyon na ginawa ni Jonathan at ng kanyang tagadala ng sandata, may dalawampung lalaki ang napatay sa nasasakupan ng kalahating tudling sa isang acre ng lupa. Nagkaroon ng kaguluhan sa kampo, sa parang, at sa buong bayan. Ang himpilan at ang mga mandarambong ay nanginig din; nayanig ang lupa, at ito'y naging isang napakalaking pagkasindak. Ang mga bantay ni Saul sa Gibea ng Benjamin ay nakamasid habang ang napakaraming tao ay nagpaparoo't parito. Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa mga taong kasama niya, "Magbilang kayo ngayon at tingnan ninyo kung sino ang umalis sa atin." Nang sila'y magbilang, si Jonathan at ang kanyang tagadala ng sandata ay wala roon. Sinabi ni Saul kay Achias, "Dalhin dito ang kaban ng Diyos." Ang kaban ng Diyos nang panahong iyon ay kasama ng mga anak ni Israel. Samantalang nakikipag-usap si Saul sa pari, ang kaguluhan sa kampo ng mga Filisteo ay lumaki nang lumaki. Sinabi ni Saul sa pari, "Iurong mo ang iyong kamay." At si Saul at ang buong bayang kasama niya ay nagsama-sama at pumunta sa labanan. Ang tabak ng bawat isa ay laban sa kanyang kapwa at nagkaroon ng malaking pagkalito. Ang mga Hebreo na nakasama ng mga Filisteo nang una pa at umahong kasama nila sa kampo ay pumanig na rin sa mga Israelita na kasama nina Saul at Jonathan. Gayundin, nang mabalitaan ng mga lalaki ng Israel na nagkubli sa lupaing maburol ng Efraim na ang mga Filisteo ay tumakas, sila man ay humabol rin sa kanila sa pakikipaglaban. Kaya't iniligtas ng PANGINOON ang Israel nang araw na iyon; at ang pakikipaglaban ay lumampas pa sa kabila ng Bet-haven. Ang mga lalaki ng Israel ay namanglaw nang araw na iyon. Sumumpa si Saul sa taong-bayan, na sinasabi, "Sumpain ang taong kumain ng anumang pagkain hanggang sa kinahapunan at ako'y makaganti sa aking mga kaaway." Kaya't walang sinuman sa bayan ang tumikim ng pagkain. Ang buong bayan ay dumating sa gubat at may pulot sa ibabaw ng lupa. Nang makapasok ang bayan sa gubat, ang pulot ay tumutulo ngunit walang tao na naglagay ng kanyang kamay sa kanyang bibig sapagkat ang taong-bayan ay natakot sa sumpa. Ngunit hindi narinig ni Jonathan nang magbilin ang kanyang ama sa taong-bayan na may sumpa. Kaya't kanyang iniunat ang dulo ng tungkod na nasa kanyang kamay at inilubog ito sa pulot, at inilagay ang kanyang kamay sa kanyang bibig, at ang kanyang mga mata ay nagliwanag. Nang magkagayo'y sinabi ng isa sa mga tauhan, "Ang iyong ama ay mahigpit na nagbilin na may sumpa sa taong-bayan, na sinasabi, 'Sumpain ang taong kumain ng pagkain sa araw na ito.'" At ang taong-bayan ay patang-pata. Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan, "Ginugulo ng aking ama ang lupain. Tingnan ninyo, kung paanong ang aking mga mata ay nagliwanag nang ako'y tumikim ng kaunti sa pulot na ito. Gaano pa kaya kung ang taong-bayan ay malayang kumain ngayon mula sa sinamsam sa kanilang mga kaaway na kanilang natagpuan. Sa ngayon, ang pagpatay sa mga Filisteo ay hindi gaanong malaki." Kanilang pinatay ang mga Filisteo nang araw na iyon mula sa Mikmas hanggang sa Aijalon; at ang taong-bayan ay talagang patang-pata. Kaya't ang taong-bayan ay dumaluhong sa samsam, at kumuha ng mga tupa, mga baka, mga guyang baka, at pinagpapatay ang mga iyon sa lupa. Kinain ng taong-bayan ang mga iyon, pati ang dugo. At kanilang sinabi kay Saul, "Tingnan mo, ang bayan ay nagkaka-sala laban sa PANGINOON dahil sa kanilang pagkain ng may dugo." At kanyang sinabi, "Kayo'y gumawa ng kasamaan. Igulong ninyo rito ang isang malaking bato sa harapan ko." At sinabi ni Saul, "Magsikalat kayo sa bayan at inyong sabihin sa kanila, 'Dalhin sa akin dito ng bawat tao ang kanyang baka, at tupa, at patayin dito, at kainin at huwag nang magkasala laban sa PANGINOON sa pamamagitan ng pagkain ng dugo.' " Kaya't dinala ng bawat isa sa buong bayan ang kanyang baka nang gabing iyon at pinatay roon. At nagtayo si Saul ng isang dambana sa PANGINOON; iyon ang unang dambana na itinayo niya sa PANGINOON. Sinabi ni Saul, "Ating lusungin ang mga Filisteo sa gabi at atin silang samsaman hanggang sa pagliliwanag sa umaga, at huwag tayong magtira ng isang tao sa kanila." At kanilang sinabi, "Gawin mo ang inaakala mong mabuti sa iyo." Subalit sinabi ng pari, 'Tayo'y lumapit dito sa Diyos." At si Saul ay sumangguni sa Diyos, "Lulusungin ko ba ang mga Filisteo? Ibibigay mo ba sila sa kamay ng Israel?" Ngunit hindi siya sinagot nang araw na iyon. Sinabi ni Saul, "Lumapit kayo rito, kayong lahat na puno ng taong-bayan. Alamin natin kung paano bumangon ang kasalanang ito sa araw na ito. Sapagkat kung paanong buhay ang PANGINOON na nagliligtas sa Israel, kahit na ito ay si Jonathan na aking anak, siya ay tiyak na mamamatay." Ngunit walang sinumang tao sa buong bayan na sumagot sa kanya. Nang magkagayo'y sinabi niya sa buong Israel, "Lumagay kayo sa isang dako, at ako at si Jonathan na aking anak ay lalagay sa kabilang dako." At sinabi ng taong-bayan kay Saul, "Gawin mo ang inaakala mong mabuti para sa iyo." Kaya sinabi ni Saul, "O PANGINOONG Diyos ng Israel, bakit hindi mo sinasagot ang iyong lingkod sa araw na ito? Kung ang pagkakasalang ito ay nasa akin o kay Jonathan na aking anak, O PANGINOON, Diyos ng Israel, ibigay mo ang Urim. Ngunit kung ang pagkakasala ay nasa iyong bayang Israel, ibigay mo ang Tumim." At sina Jonathan at Saul ang napili, ngunit ang bayan ay nakaligtas. At sinabi ni Saul, "Magpalabunutan sa pagitan ko at ni Jonathan na aking anak." At si Jonathan ang napili. Pagkatapos ay sinabi ni Saul kay Jonathan, "Sabihin mo sa akin kung ano ang iyong ginawa." At sinabi ni Jonathan sa kanya, "Talagang ako'y tumikim ng kaunting pulot sa dulo ng tungkod na nasa aking kamay. Narito ako, ako'y nararapat mamatay." Sinabi ni Saul, "Gayon ang gawin ng Diyos sa akin at higit pa, sapagkat ikaw ay tiyak na mamamatay, Jonathan!" At sinabi ng taong-bayan kay Saul, "Mamamatay ba si Jonathan, siya na gumawa nitong dakilang kaligtasan sa Israel? Huwag nawang mangyari! Habang buhay ang PANGINOON, hindi malalaglag kahit ang isang buhok ng kanyang ulo sa lupa, sapagkat siya'y gumawang kasama ng Diyos sa araw na ito." Kaya't tinubos ng taong-bayan si Jonathan, at siya'y hindi namatay. Pagkatapos ay huminto na si Saul sa pagtugis sa mga Filisteo; at ang mga Filisteo ay umuwi sa kanilang sariling lugar. Nang makuha na ni Saul ang paghahari sa Israel, nakipaglaban siya sa lahat niyang mga kaaway sa bawat lugar, laban sa Moab, sa mga anak ni Amon, sa Edom, sa mga hari ng Soba, at laban sa mga Filisteo. Saanman siya bumaling ay kanyang tinatalo sila. Siya'y lumabang may katapangan, pinatay ang mga Amalekita, at iniligtas ang Israel sa kamay ng mga sumamsam sa kanila. Ang mga anak ni Saul ay sina Jonathan, Isui, at Malkishua, at ito ang pangalan ng kanyang dalawang anak na babae: ang pangalan ng panganay ay Merab, at ang pangalan ng nakababata ay Mical; ang pangalan ng asawa ni Saul ay Ahinoam, na anak ni Ahimaaz; at ang pangalan ng kanyang kapitan sa hukbo ay Abner na anak ni Ner, amain ni Saul. Si Kish ang ama ni Saul; at si Ner na ama ni Abner ay anak ni Abiel. Nagkaroon ng mahigpit na pakikipaglaban sa mga Filisteo sa lahat ng mga araw ni Saul; at sa tuwing makakakita si Saul ng sinumang malakas o matapang na lalaki ay kanyang kinukuha upang maglingkod sa kanya. At sinabi ni Samuel kay A O Saul, "Sinugo ako ng PANGINOON upang hirangin ka upang maging hari sa kanyang bayang Israel; kaya't ngayon ay pakinggan mo ang tinig ng mga salita ng PANGINOON. Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, 'Aking parurusahan ang ginawa ng Amalek sa Israel sa paghadlang sa kanila sa daan nang sila'y umahon mula sa Ehipto. Ngayo'y umalis ka at lipulin mo ang Amalek, at iyong lubos na wasakin ang lahat nilang pag-aari. Huwag kang magtitira sa kanila kundi patayin mo ang lalaki at babae, sanggol at sumususo, baka at tupa, kamelyo at asno.'" Kaya't tinipon ni Saul ang taong-bayan at binilang sila sa Telaim, dalawandaang libong kawal na lakad, at sampung libong kawal mula sa Juda. Dumating si Saul sa lunsod ng mga Amalekita at nag-abang sa libis. At sinabi ni Saul sa mga Kineo, "Umalis na kayo! Humiwalay kayo sa mga Amalekita, baka kayo'y puksain kong kasama nila; sapagkat kayo'y nagpakita ng kagandahang-loob sa mga anak ni Israel nang sila'y umahon mula sa Ehipto." Kaya't umalis ang mga Kineo sa gitna ng mga Amalekita. Nagapi ni Saul ang mga Amalekita mula sa Havila hanggang sa Shur na nasa silangan ng Ehipto. Kinuha niyang buhay si Agag na hari ng mga Amalekita, at ganap na nilipol ang buong bayan sa pamamagitan ng talim ng tabak. Ngunit itinira ni Saul at ng taong-bayan si Agag at ang pinakamabuti sa mga tupa, mga baka, mga pinataba, mga kordero, at lahat ng mahalaga, at hindi nila ganap na pinuksa ang mga ito. Lahat ng bagay na hamak at walang halaga ay ganap nilang winasak. Ang salita ng PANGINOON ay dumating kay Samuel, na sinasabi, "Ikinalulungkot ko na ginawa kong hari si Saul sapagkat siya'y tumalikod sa pagsunod sa akin, at hindi tinupad ang aking mga utos." At si Samuel ay nagalit, at siya'y dumaing sa PANGINOON nang buong magdamag. Kinaumagahan, si Samuel ay bumangong maaga upang makipagkita kay Saul. At sinabi niya kay Samuel, "Si Saul ay pumunta sa Carmel at doon ay nagtayo siya para sa kanyang sarili ng isang bantayog, at pagbalik niya ay lumusong siya sa Gilgal." Nang dumating si Samuel kay Saul, sinabi ni Saul sa kanya, "Pagpalain ka nawa ng PANGINOON, tinupad ko na ang utos ng PANGINOON." Ngunit sinabi ni Samuel, "Ano kung gayon ang kahulugan nitong iyakan ng tupa at ang ungal ng mga baka na aking naririnig?" Sinabi ni Saul, "Sila'y dinala nila mula sa mga Amalekita, sapagkat itinira ng taong-bayan ang pinakamabuti sa mga tupa at baka upang ihandog sa PANGINOON mong Diyos. Ang nalabi ay aming pinuksang lahat." Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel kay Saul, "Tumigil ka! Aking sasabihin sa iyo kung ano ang sinabi ng PANGINOON sa akin sa gabing ito." At sinabi niya sa kanya, "Sabihin mo." At sinabi ni Samuel, "Bagaman ikaw ay maliit sa iyong sariling paningin, hindi ba ikaw ay ginawang pinuno ng mga lipi ng Israel? At hinirang ka ng PANGINOON upang maging hari sa Israel. Sinugo ka ng PANGINOON sa isang takdang gawain, at sinabi, 'Humayo ka at ganap mong puksain ang mga makasalanang Amalekita, at labanan mo sila hanggang sa sila'y maubos.' Bakit hindi mo sinunod ang tinig ng PANGINOON, kundi ikaw ay dumaluhong sa samsam, at ginawa mo ang masama sa paningin ng PANGINOON?" Sinabi ni Saul kay Samuel, "Oo, aking sinunod ang tinig ng PANGINOON, at ako'y pumunta sa daang pinagsuguan sa akin ng PANGINOON. Aking dinala si Agag na hari ng Amalek, at aking pinatay na lahat ang mga Amalekita. Ngunit ang taong-bayan ay kumuha mula sa mga samsam, sa mga tupa at baka, ng pinakamabuti sa mga itinalagang bagay upang ihandog sa PANGINOON mong Diyos sa Gilgal." At sinabi ni Samuel, "Ang PANGINOON kaya ay may malaking kasiyahan sa mga handog na sinusunog at sa mga alay, gaya ng pagsunod sa tinig ng PANGINOON? Tiyak, ang pagsunod ay mas mabuti kaysa alay, at ang pakikinig kaysa taba ng mga tupang lalaki. Sapagkat ang paghihimagsik ay gaya ng kasalanan ng pangkukulam, at ang katigasan ng ulo ay gaya ng katampalasanan at pagsamba sa mga diyus-diyosan. Sapagkat itinakuwil mo ang salita ng Panginoon, itinakuwil ka rin niya sa pagiging hari." At sinabi ni Saul kay Samuel, "Ako'y nagkasala, sapagkat ako'y sumuway sa utos ng PANGINOON at sa iyong mga salita, sapagkat ako'y natakot sa taong-bayan at sumunod sa kanilang tinig. Ngayon nga'y hinihiling ko sa iyo, ipatawad mo ang aking kasalanan, at bumalik kang kasama ko upang ako'y makasamba sa PANGINOON." At sinabi ni Samuel kay Saul, "Hindi ako babalik na kasama mo sapagkat itinakuwil mo ang salita ng PANGINOON, at itinakuwil ka ng PANGINOON sa pagiging hari ng Israel." Nang tumalikod si Samuel upang umalis, hinawakan ni Saul ang laylayan ng kanyang balabal at ito ay napunit. At sinabi ni Samuel sa kanya, "Pinunit ng PANGINOON sa iyo ang kaharian ng Israel sa araw na ito, at ibinigay sa iyong kapwa, na higit na mabuti kaysa iyo. Gayundin ang Kaluwalhatian ng Israel ay hindi magsisinungaling o magbabago ng isipan, sapagkat siya'y hindi isang tao na dapat niyang baguhin ang kanyang isipan." Nang magkagayo'y kanyang sinabi, "Ako'y nagkasala. Gayunma'y parangalan mo ako ngayon sa harap ng matatanda ng aking bayan at sa harap ng Israel, at bumalik kang kasama ko upang ako'y sumamba sa PANGINOON mong Diyos." Kaya't bumalik si Samuel kay Saul at sumamba si Saul sa PANGINOON. Pagkatapos ay sinabi ni Samuel, "Dalhin ninyo rito sa akin si Agag na hari ng mga Amalekita." At masayang lumapit si Agag sa kanya. At sinabi ni Agag, "Tunay na ang pait ng kamatayan ay nakaraan na." Ngunit sinabi ni Samuel, "Kung paanong sa pamamagitan ng iyong tabak ay nawalan ng anak ang mga babae, magiging gayon ang iyong ina na mawawalan ng anak sa gitna ng mga babae." At pinagputul-putol ni Samuel si Agag sa harap ng PANGINOON sa Gilgal. Pagkatapos ay pumunta si Samuel sa Rama, at si Saul ay umahon sa kanyang bahay sa Gibea. Hindi na muling nakita ni Samuel si Saul hanggang sa araw ng kanyang kamatayan, ngunit tinangisan ni Samuel si Saul. At ikinalungkot ng PANGINOON na kanyang ginawang hari ng Israel si Saul. Sinabi ng PANGINOON kay Samuel, "Hanggang kailan mo iiyakan si Saul gayong itinakuwil ko na siya sa pagiging hari sa Israel? Punuin mo ng langis ang iyong sungay at humayo ka. Isusugo kita kay Jesse na taga-Bethlehem sapagkat ako'y naglaan para sa aking sarili ng isang hari mula sa kanyang mga anak na lalaki." Sinabi ni Samuel, "Paano ako makakapunta? Kapag iyon ay nabalitaan ni Saul, papatayin niya ako." At sinabi ng PANGINOON, "Magdala ka ng isang dumalagang baka at iyong sabihin, Ako'y naparito upang maghandog sa PANGINOON. At anyayahan mo si Jesse sa paghahandog at aking ituturo sa iyo kung ano ang iyong gagawin. Bubuhusan mo ng langis para sa akin ang sa iyo'y aking sasabihin." Ginawa ni Samuel ang iniutos ng PANGINOON at nagtungo sa Bethlehem. Ang matatanda sa bayan ay dumating upang salubungin siya na nagsisipanginig, at nagsabi, "Dumating ka bang may kapayapaan?" At kanyang sinabi, "May kapayapaan; ako'y naparito upang maghandog sa PANGINOON. Italaga ninyo ang inyong mga sarili at sumama kayo sa akin sa paghahandog." At itinalaga niya si Jesse at ang kanyang mga anak at inanyayahan sila sa paghahandog. Nang sila'y dumating, siya'y tumingin kay Eliab, at sinabi sa sarili, "Tunay na ang hinirang ng PANGINOON ay nasa harap niya." Ngunit sinabi ng PANGINOON kay Samuel, "Huwag mong tingnan ang kanyang mukha, o ang taas ng kanyang tindig sapagkat itinakuwil ko siya. Sapagkat hindi tumitingin ang PANGINOON na gaya ng pagtingin ng tao. Ang tao ay tumitingin sa panlabas na anyo, ngunit ang PANGINOON ay tumitingin sa puso." Pagkatapos ay tinawag ni Jesse si Abinadab, at pinaraan niya sa harapan ni Samuel. At kanyang sinabi, "Kahit ito ay hindi pinili ng PANGINOON." At pinaraan ni Jesse si Shammah. At kanyang sinabi, "Kahit ito ay hindi pinili ng PANGINOON." Pinaraan ni Jesse ang pito sa kanyang mga anak sa harapan ni Samuel. At sinabi ni Samuel kay Jesse, "Hindi pinili ng PANGINOON ang mga ito." Sinabi ni Samuel kay Jesse, "Narito bang lahat ang iyong mga anak?" At kanyang sinabi, "Natitira pa ang bunso, ngunit siya'y nag-aalaga ng mga tupa." At sinabi ni Samuel kay Jesse, "Ipasundo mo siya, sapagkat hindi tayo uupo hanggang sa siya'y dumating dito." Siya'y nagpasugo at sinundo siya roon. Siya ay may mapupulang pisngi, magagandang mata at makisig. At sinabi ng PANGINOON, "Tumindig ka, buhusan mo siya ng langis sapagkat siya nanga." Kaya't kinuha ni Samuel ang sungay ng langis at binuhusan siya sa gitna ng kanyang mga kapatid. At ang Espiritu ng PANGINOON ay dumating na may kapangyarihan kay David mula sa araw na iyon. At tumindig si Samuel at pumunta sa Rama. Ngayon, ang Espiritu ng PANGINOON ay humiwalay kay Saul at isang masamang espiritu mula sa PANGINOON ang nagpahirap sa kanya. At sinabi ng mga lingkod ni Saul sa kanya, "Tingnan mo, may masamang espiritu mula sa Diyos na nagpapahirap sa iyo. Iutos ngayon ng aming panginoon sa iyong mga lingkod, na nasa harapan mo, na humanap ng isang lalaki na bihasang tumugtog ng alpa. Kapag ang masamang espiritu mula sa Diyos ay nasa iyo, siya'y tutugtog at ikaw ay magiging mabuti." Kaya't sinabi ni Saul sa kanyang mga lingkod, "Ipaghanda ninyo ako ngayon ng isang lalaking makakatugtog nang mabuti, at dalhin ninyo siya sa akin." Sumagot ang isa sa mga kabataang lingkod, "Aking nakita ang isang anak ni Jesse na tagaBethlehem, na bihasa sa pagtugtog, at isang magiting na lalaki, mandirigma, mahinahong magsalita, makisig, at ang PANGINOON ay kasama niya." Kaya't nagpadala ng mga sugo si Saul kay Jesse at sinabi, "Papuntahin mo rito sa akin ang iyong anak na si David na kasama ng mga tupa." Kumuha si Jesse ng isang asno na may pasang tinapay, alak sa isang sisidlang balat, isang batang kambing, at ipinadala kay Saul sa pamamagitan ni David na kanyang anak. At dumating si David kay Saul at pinasimulan ang kanyang paglilingkod. Minahal siya nang lubos ni Saul, at siya'y naging tagadala ng sandata niya. Nagpasabi si Saul kay Jesse, "Hayaan mong manatili si David sa paglilingkod sa akin sapagkat siya'y nakatagpo ng biyaya sa aking paningin." Tuwing ang masamang espiritu mula sa Diyos ay darating kay Saul, kinukuha ni David ang alpa at tinutugtog ng kanyang kamay, at nagiginhawahan si Saul at ang masamang espiritu ay umaalis sa kanya. Tinipon ng mga Filisteo ang kanilang mga hukbo upang makipagdigma at sila'y nagtipon sa Socoh na sakop ng Juda, at nagkampo sa pagitan ng Socoh at Azeka sa Efesdamim. Nagtipun-tipon sina Saul at ang mga Israelita at nagkampo sa libis ng Ela, at humanay sa pakikidigma laban sa mga Filisteo. Tumayo ang mga Filisteo sa isang dako sa bundok, at tumayo naman ang Israel sa kabilang dako sa bundok na may isang libis sa pagitan nila. At lumabas mula sa kampo ng mga Filisteo ang isang pangunahing mandirigma na ang pangalan ay Goliat na taga-Gat, na ang taas ay anim na siko at isang dangkal. Siya'y mayroong isang helmet na tanso sa kanyang ulo, at siya'y may sandata ng baluti sa katawan; at ang bigat ng baluti ay limang libong siklong tanso. Siya'y mayroong kasuotang tanso sa kanyang mga hita, at isang sibat na tanso na nakasakbat sa kanyang mga balikat. Ang puluhan ng kanyang sibat ay gaya ng panghabi ng manghahabi; at ang dulo ng kanyang sibat ay may bigat na animnaraang siklong bakal. Ang kanyang tagadala ng kalasag ay nauuna sa kanya. Siya'y tumayo at sumigaw sa mga hukbo ng Israel, "Bakit kayo'y lumabas upang humanay sa pakikipaglaban? Hindi ba ako'y Filisteo, at kayo'y mga lingkod ni Saul? Pumili kayo ng isang lalaki mula sa inyo at pababain ninyo siya sa akin. Kung siya'y makakalaban sa akin at mapatay ako, magiging alipin ninyo kami. Ngunit kung ako'y manalo laban sa kanya at mapatay ko siya, magiging alipin namin kayo at maglilingkod sa amin." At sinabi ng Filisteo, "Aking hinahamon ang mga hukbo ng Israel sa araw na ito; paharapin ninyo sa akin ang isang lalaki upang maglaban kami." Nang marinig ni Saul at ng buong Israel ang mga salitang ito ng Filisteo, sila'y nanghina at lubhang natakot. Si David nga ay anak ng isang Efrateo sa Bethlehem-juda, na ang pangala'y Jesse, at may walong anak na lalaki. Nang panahon ni Saul ang lalaking ito ay napakatanda na. Ang tatlong pinakamatandang anak ni Jesse ay sumunod kay Saul sa digmaan. Ang pangalan ng kanyang tatlong anak na nagtungo sa pakikipaglaban ay si Eliab na panganay, ang kasunod niya ay si Abinadab, at ang ikatlo ay si Shammah. Si David ang bunso, at ang tatlong pinakamatanda ay sumunod kay Saul. Ngunit si David ay nagpapabalik-balik kay Saul upang pakainin ang mga tupa ng kanyang ama sa Bethlehem. Sa loob ng aparnapung araw, ang Filisteo ay lumalapit at naghahamon, umaga at hapon. Sinabi ni Jesse kay David na kanyang anak, "Dalhin mo sa iyong mga kapatid itong isang efang sinangag na trigo at sampung tinapay at dalhin mo agad sa iyong mga kapatid sa kampo. Dalhin mo tin ang sampung kesong ito sa kapitan ng kanilang libo. Tingnan mo kung ano ang kalagayan ng iyong mga kapatid, at kumuha ka sa kanila ng palatandaan." Si Saul at lahat ng mga Israelita ay nasa libis ng Ela na nakikipaglaban sa mga Filisteo. Kinaumagahan, si David ay maagang bumangon, iniwan ang mga tupa sa isang tagapag-alaga, at dinala ang mga baon at umalis gaya nang iniutos sa kanya ni Jesse; siya'y dumating sa pinaghihimpilan habang ang hukbo ay sumusulong sa labanan na sumisigaw ng sigaw ng digmaan. Ang Israelita at ang mga Filisteo ay humanay na sa pakikipaglaban, hukbo laban sa hukbo. Iniwan ni David ang kanyang dala-dalahan sa kamay ng tagapag-ingat ng dala-dalahan, at tumakbo sa hukbo, at dumating, at binati ang kanyang mga kapatid. Habang nakikipag-usap siya sa kanila, dumating ang pangunahing mandirigma, ang Filisteo na taga-Gat, na Goliat ang pangalan, mula sa hanay ng mga Filisteo, at sinabi ang gayunding mga salita gaya nang una. At siya'y narinig ni David. Nang makita ng lahat ng mga Israelita ang lalaking iyon, sila ay tumakas mula sa kanyang harapan, at takot na takot. At sinabi ng mga Israelita, "Nakita na ba ninyo ang lalaking iyan na umahon? Talagang umahon siya upang hamunin ang Israel. Ang lalaking makakapatay sa kanya ay bibigyan ng hari ng malaking kayamanan, at ibibigay sa kanya ang kanyang anak na babae, at magiging malaya sa Israel ang sambahayan ng kanyang ama." Sinabi ni David sa mga lalaking nakatayo sa tabi niya, "Ano ang gagawin sa lalaking makakapatay sa Filisteong ito, at makapag-aalis ng kahihiyang ito sa Israel? Sapagkat sino ba itong hindi tuling Filisteo na kanyang hahamunin ang mga hukbo ng Diyos na buhay?" At ang taong-bayan ay sumagot sa kanya sa gayunding paraan, "Gayon ang gagawin sa lalaking makakapatay sa kanya." Narinig ni Eliab na kanyang pinakamatandang kapatid nang siya'y magsalita sa mga lalaki. Kaya't ang galit ni Eliab ay nagningas laban kay David, at kanyang sinabi, "Bakit ka lumusong dito? At kanino mo iniwan iyong kaunting tupa sa ilang? Nalalaman ko ang iyong kapangahasan, at ang kasamaan ng iyong puso; sapagkat ikaw ay lumusong upang panoorin ang labanan." Sinabi ni David, "Ano bang aking ginawa ngayon? Hindi ba't salita lamang?" At tinalikuran niya si Eliab at tumungo sa iba, at nagsalita sa gayunding paraan; at sinagot siya ng mga tao gaya noong una. Nang marinig ang mga salitang binigkas ni David, ito ay kanilang inulit sa harap ni Saul; at siya'y ipinasundo niya. Sinabi ni David kay Saul, "Huwag manghina ang puso ng sinuman dahil sa kanya; ang iyong lingkod ay hahayo at lalabanan ang Filisteong ito." Sinabi ni Saul kay David, "Hindi mo kayang labanan ang Filisteong ito sapagkat ikaw ay kabataan pa, at siya'y isang lalaking mandirigma mula pa sa kanyang pagkabata." Ngunit sinabi ni David kay Saul, "Ang iyong lingkod ay nag-aalaga ng mga tupa para sa kanyang ama. Kapag may dumating na leon, o kaya'y oso, at kinukuha ang isang kordero sa kawan, ay hinahabol ko siya at aking pinapatay, at aking inililigtas ang kordero mula sa kanyang bibig. Kapag dinaluhong ako ay aking hinahawakan sa panga, aking sinasaktan at pinapatay. Nakapatay ang iyong lingkod ng mga leon at mga oso; at ang Filisteong ito na hindi tuli ay magiging isa sa kanila, yamang kanyang hinahamon ang mga hukbo ng Diyos na buhay." Sinabi ni David, "Ang PANGINOON na nagligtas sa akin sa mga kuko ng leon at ng oso, ay siyang magliligtas sa akin sa kamay ng Filisteong ito." At sinabi ni Saul kay David, "Humayo ka at samahan ka ng PANGINOON." Ipinasuot ni Saul kay David ang kanyang mga kasuotan, kanyang inilagay ang isang helmet na tanso sa kanyang ulo, at kanyang sinuotan siya ng metal na saplot sa katawan. Ibinigkis ni David ang tabak sa kanyang kasuotan, at hindi niya magawang makalakad sapagkat hindi siya sanay sa mga ito. Kaya't sinabi ni David kay Saul, "Hindi ako makakalakad na dala ang mga ito sapagkat hindi ako sanay sa mga ito." At hinubad ni David ang mga iyon. Pagkatapos ay hinawakan niya ang kanyang tungkod sa kanyang kamay, at pumili siya ng limang makikinis na bato mula sa sapa at isinilid sa supot na pampastol na kanyang dala. Hawak niya ang tirador sa kanyang kamay at siya'y lumapit sa Filisteo. Dumating ang Filisteo at lumapit kay David na kasama ang lalaking tagadala ng kanyang kalasag na nasa unahan niya. Nang tumingin ang Filisteo at makita si David ay kanyang hinamak siya, sapagkat siya'y kabataan pa, mapula ang pisngi at may magandang mukha. Sinabi ng Filisteo kay David, "Ako ba ay aso na ikaw ay lalapit sa akin na may mga tungkod?" At nilait ng Filisteo si David sa pamamagitan ng kanyang mga diyos. Sinabi ng Filisteo kay David, "Halika at ibibigay ko ang iyong laman sa mga ibon sa himpapawid at sa mga hayop sa parang." Pagkatapos ay sinabi ni David sa Filisteo, "Lumalapit ka sa akin na may tabak, may maliit at malaking sibat, ngunit ako'y lumalapit sa iyo sa pangalan ng PANGINOON ng mga hukbo, ang Diyos ng mga hukbo ng Israel na iyong hinahamon. Sa araw na ito ay ibibigay ka ng PANGINOON sa aking kamay, at ibubuwal kita, at pupugutin ko ang ulo mo. Ibibigay ko ang mga bangkay ng hukbo ng mga Filisteo sa mga ibon sa himpapawid at sa mababangis na hayop sa lupa sa araw na ito upang malaman ng buong lupa na may Diyos sa Israel; at upang malaman ng buong kapulungang ito na hindi nagliligtas ang PANGINOON sa pamamagitan ng tabak o ng sibat. Ang labanang ito ay sa PANGINOON, at ibibigay niya kayo sa aming kamay." Nang tumayo ang Filisteo at lumapit upang salubungin si David, si David ay mabilis na tumakbo sa hanay ng labanan upang sagupain ang Filisteo. Ipinasok ni David ang kanyang kamay sa kanyang supot at kumuha roon ng isang bato, at itinirador. Tinamaan ang Filisteo sa kanyang noo at ang bato ay bumaon sa kanyang noo, at pasubsob siyang bumagsak sa lupa. Kaya't nagwagi si David laban sa Filisteo sa pamamagitan ng tirador at ng isang bato, ibinuwal ang Filisteo at kanyang pinatay siya. Walang tabak sa kamay ni David. Kaya't tumakbo si David at tumayo sa ibabaw ng Filisteo. Kinuha niya ang tabak nito at binunot sa kaluban, kanyang pinatay siya, at pinugot ang kanyang ulo. Nang makita ng mga Filisteo na ang kanilang pangunahing mandirigma ay patay na, sila'y tumakas. Ang hukbo ng Israel at ng Juda ay tumayo na may sigaw at tinugis ang mga Filisteo hanggang sa Gat, at sa mga pintuang-bayan ng Ekron. Ang mga sugatan sa mga Filisteo ay nabuwal sa daang patungo sa Saaraim hanggang sa Gat at sa Ekron. Bumalik ang mga Israelita mula sa paghabol sa mga Filisteo at kanilang sinamsaman ang kanilang kampo. Kinuha ni David ang ulo ng Filisteo at dinala sa Jerusalem; ngunit kanyang inilagay ang sandata niya sa kanyang tolda. Nang makita ni Saul si David na sumusugod laban sa Filisteo, kanyang sinabi kay Abner na kapitan ng hukbo, "Abner, kaninong anak ang batang ito?" At sinabi ni Abner, "Buhay ang iyong kaluluwa, O hari, hindi ko masabi." Sinabi ng hari, "Ipagtanong mo kung kaninong anak ang batang ito." At pagbalik ni David sa pagpatay sa Filisteo, kinuha siya ni Abner, at dinala siya sa harap ni Saul na dala ang ulo ng Filisteo sa kanyang kamay. Sinabi ni Saul sa kanya, "Kanino kang anak, binata?" At sumagot si David, "Ako'y anak ng iyong lingkod na si Jesse na taga-Bethlehem.” Pagkatapos niyang makapagsalita kay Saul, ang kaluluwa ni Jonathan ay napatali sa kaluluwa ni David, at minahal siya ni Jonathan na gaya ng kanyang sariling kaluluwa. Kinuha siya ni Saul nang araw na iyon, at hindi na siya pinahintulutang umuwi sa bahay ng kanyang ama. Nang magkagayo'y nakipagtipan si Jonathan kay David sapagkat kanyang minahal siya na gaya ng kanyang sariling kaluluwa. Hinubad ni Jonathan ang balabal na nakasuot sa kanya at ibinigay kay David, pati ang kanyang baluti, tabak, busog, at pamigkis. Lumabas si David at nagtagumpay saanman suguin ni Saul, kaya't inilagay siya ni Saul bilang pinuno ng mga lalaking mandirigma. Ito ay sinang-ayunan ng buong bayan, at gayundin ng mga lingkod ni Saul. Sa kanilang pag-uwi, nang bumalik si David mula sa pagpatay sa Filisteo, ang mga babae ay lumabas mula sa lahat ng mga lunsod sa Israel na nag-aawitan at nagsasayawan, may mga pandereta, may mga awit ng kagalakan, at mga panugtog ng musika upang salubungin si Haring Saul. At nag-aawitan sa isa't isa ang mga babae habang sila ay nagsasaya, na sinasabi, "Pinatay ni Saul ang kanyang libu-libo, At ni David ang kanyang laksa-laksa." Galit na galit si Saul at ang kasabihang ito ay ikinayamot niya, at kanyang sinabi, "Kanilang iniukol kay David ang laksa-laksa, at ang kanilang iniukol sa akin ay libu-libo; ano pa ang mapapasakanya kundi ang kaharian?" Mula sa araw na iyon ay minatyagan ni Saul si David. Kinabukasan, isang masamang espiritu mula sa Diyos ang sumanib kay Saul, at siya'y nahibang sa loob ng bahay, samantalang si David ay tumutugtog ng alpa, gaya ng kanyang ginagawa araw-araw. Hawak ni Saul ang kanyang sibat sa kanyang kamay; at inihagis ni Saul ang sibat, sapagkat kanyang iniisip, "Aking tutuhugin si David sa dingding." Subalit dalawang ulit na nailagan siya ni David. Si Saul ay takot kay David, sapagkat ang PANGINOON ay kasama niya noon, ngunit humiwalay na kay Saul. Kaya't pinalayas siya ni Saul sa kanyang harapan at ginawa siyang punong kawal sa isang libo; at si David ay naglabas-masok na pinapangunahan ang hukbo. Nagtagumpay si David sa lahat ng kanyang mga gawain, sapagkat ang PANGINOON ay kasama niya. Nang makita ni Saul na siya'y nagtatagumpay, siya'y nasindak sa kanya. Ngunit minahal ng buong Israel at Juda si David sapagkat siya ang nangunguna sa kanila. At sinabi ni Saul kay David, "Narito ang aking nakakatandang anak na babae na si Merab. Siya'y ibibigay ko sa iyo upang maging asawa; magpakatapang ka lamang para sa akin, at ipaglaban mo ang mga laban ng PANGINOON." Sapagkat iniisip ni Saul, "Hindi ko na siya pagbubuhatan ng aking kamay, kundi ang kamay ng mga Filisteo ang bahala sa kanya." Sinabi ni David kay Saul, "Sino ako at sino ang aking kamag-anak, o ang sambahayan ng aking ama sa Israel, upang ako'y maging manugang ng hari?" Subalit sa panahong dapat nang ibigay kay David si Merab na anak na babae ni Saul, siya ay ibinigay kay Adriel na Meholatita bilang asawa. Ngayon, minamahal ni Mical na anak na babae ni Saul si David. Ito ay sinabi kay Saul, at ang bagay na ito ay ikinalugod niya. Iniisip ni Saul, "Ibibigay ko si Mical sa kanya upang siya'y maging bitag sa kanya, at upang ang kamay ng mga Filisteo ay maging laban sa kanya." Kaya't muling sinabi ni Saul kay David, "Ikaw ay magiging manugang ko sa araw na ito." At iniutos ni Saul sa kanyang mga lingkod, "Makipag-usap kayo nang lihim kay David, at inyong sabihin, 'Kinalulugdan ka ng hari at minamahal ka ng lahat ng kanyang mga lingkod; ngayon nga ay maging manugang ka ng hari.' " Kaya't sinabi ng mga lingkod ni Saul ang mga salitang iyon sa pandinig ni David. At sinabi ni David, "Akala ba ninyo ay maliit na bagay ang maging manugang ng hari, gayong ako'y isang taong dukha at walang karangalan?" Sinabi ng mga lingkod ni Saul sa kanya, "Gayon ang sinabi ni David." At sinabi ni Saul, "Ganito ang inyong sasabihin kay David, 'Ang hari ay hindi naghahangad ng anumang kaloob sa kasal maliban sa isandaang balat na pinagtulian ng mga Filisteo, upang mapaghigantihan ang mga kaaway ng hari.'" Ang balak ni Saul ay maibagsak si David sa pamamagitan ng kamay ng mga Filisteo. Nang sabihin ng kanyang mga lingkod kay David ang mga salitang ito, ay ikinalugod na mabuti ni David na maging manugang siya ng hari. Bago pa natapos ang panahon, si David ay tumindig at umalis na kasama ng kanyang mga tauhan, at pumatay sa mga Filisteo ng dalawandaang lalaki. Dinala ni David ang kanilang mga balat na pinagtulian at kanyang ibinigay ang buong bilang sa hari, upang siya'y maging manugang ng hari. At ibinigay sa kanya ni Saul si Mical na kanyang anak na babae upang maging kanyang asawa. Subalit nang nakita at nalaman ni Saul na ang PANGINOON ay kasama ni David at minamahal si David ni Mical na anak ni Saul, ay lalong natakot si Saul kay David. Kaya't patuloy na naging kaaway ni David si Saul. Pagkatapos ay lumabas ang mga pinuno ng mga Filisteo upang makipaglaban, at tuwing sila'y lalabas, si David ay laging nagtatagumpay kaysa lahat ng mga lingkod ni Saul; kaya't ang kanyang pangalan ay lalong iginalang. Sinabi ni Saul kay Jonathan na kanyang anak at sa lahat ng kanyang mga lingkod na dapat nilang patayin si David. Ngunit si Jonathan na anak ni Saul ay lubos na nalulugod kay David. Kaya't sinabi ni Jonathan kay David, "Pinagsisikapan kang patayin ni Saul na aking ama. Kaya't maging maingat ka sa kinaumagahan, manatili ka sa isang lihim na lugar at magtago ka. Ako'y lalabas at tatabi sa aking ama sa parang na iyong kinaroroonan, at ako'y makikipag-usap sa aking ama tungkol sa iyo; at kung may malaman akong anuman ay aking sasabihin sa iyo." At si Jonathan ay nagsalita nang mabuti tungkol kay David kay Saul na kanyang ama, at sinabi sa kanya, "Huwag nawang magkasala ang hari laban sa kanyang lingkod na si David sapagkat hindi siya nagkasala laban sa iyo at ang kanyang mga gawa ay mabuting paglilingkod sa iyo. Inilagay niya ang kanyang buhay sa kanyang kamay at pinatay niya ang Filisteo, at gumawa ang PANGINOON ng dakilang pagtatagumpay para sa buong Israel. Nakita mo ito at nagalak ka; bakit magkakasala ka laban sa walang salang dugo sa pamamagitan ng pagpatay kay David na walang anumang kadahilanan?" At pinakinggan ni Saul ang tinig ni Jonathan. Sumumpa si Saul, "Habang buhay ang PANGINOON, siya'y hindi papatayin." Kaya't tinawag ni Jonathan si David at sinabi ni Jonathan sa kanya ang lahat ng mga bagay na iyon. Dinala ni Jonathan si David kay Saul at siya'y naging kasama niya na gaya ng dati. Muling nagkaroon ng digmaan. Lumabas si David at nakipaglaban sa mga Filisteo, at napakarami ang kanyang napatay sa kanila at sila'y tumakas sa kanya. Pagkatapos, isang masamang espiritu mula sa PANGINOON ang dumating kay Saul, habang nakaupo sa kanyang bahay na hawak ang sibat at tumutugtog si David ng alpa. Pinagsikapan ni Saul na tuhugin ng sibat si David sa dingding; ngunit siya'y nakailag sa harap ni Saul at ang tinamaan ng sibat ay ang dingding. Tumakbo si David at tumakas nang gabing iyon. Nagpadala si Saul ng mga sugo sa bahay ni David upang siya'y matyagan, upang siya'y patayin sa kinaumagahan. Subalit sinabi kay David ng kanyang asawang si Mical, "Kapag hindi mo iniligtas ang iyong buhay ngayong gabi, bukas ay mapapatay ka." Kaya inihugos ni Mical si David sa isang bintana, at siya'y tumakbong palayo at tumakas. Kumuha si Mical ng isang imahen at inihiga sa higaan at nilagyan sa ulunan ng isang unan na buhok ng kambing, at tinakpan iyon ng mga damit. Nang magsugo si Saul ng mga sugo upang dakpin si David, kanyang sinabi, "Siya'y may sakit." Nagpasugo si Saul upang tingnan si David, na sinasabi, "Ipanhik ninyo siya sa akin na nasa kanyang higaan upang aking patayin siya." Nang pumasok ang mga sugo, nakita nila ang imahen ay nasa higaan na may unan na buhok ng kambing sa ulunan nito. Kaya't sinabi ni Saul kay Mical, "Bakit mo ako dinaya ng ganito, at iyong pinaalis ang aking kaaway, kaya't siya'y nakatakas?" At sumagot si Mical kay Saul, "Sinabi niya sa akin, 'Hayaan mo akong umalis; bakit kita papatayin?'" Si David ay umalis at nakatakas, at siya'y pumunta kay Samuel sa Rama, at sinabi sa kanya ang lahat ng ginawa ni Saul sa kanya. Siya at si Samuel ay humayo at nanirahan sa Najot. At ibinalita kay Saul, "Si David ay nasa Najot sa Rama." Kaya't nagpadala si Saul ng mga sugo upang dakpin si David. Nang kanilang makita ang pulutong ng mga propeta na nagsasalita ng propesiya, at si Samuel na tumatayong puno nila, ang Espiritu ng Diyos ay dumating sa mga sugo ni Saul, at sila man ay nagsalita rin ng propesiya. Nang ito ay ibalita kay Saul, siya'y nagpadala ng ibang mga sugo at sila man ay nagsalita rin ng propesiya. At si Saul ay muling nagsugo sa ikatlong pagkakataon at sila man ay nagsalita rin ng propesiya. Nang magkagayo'y pumunta rin siya sa Rama at dumating sa malaking balon na nasa Secu. At siya'y nagtanong, "Saan naroon sina Samuel at David?" At sinabi ng isa, "Sila'y nasa Najot sa Rama." Mula roo'y pumunta siya sa Najot sa Rama; at ang Espiritu ng Diyos ay dumating din sa kanya, at habang siya'y humahayo ay nagsasalita siya ng propesiya hanggang sa siya'y dumating sa Najot sa Rama. Naghubad din siya ng kanyang mga kasuotan at siya man ay nagsalita rin ng propesiya sa harap ni Samuel, at siya'y nahigang hubad sa buong maghapon at magdamag. Kaya't sinasabi, "Pati ba si Saul ay isa na rin sa mga propeta?" Si David ay tumakas mula sa Najot na nasa Rama. Siya'y dumating doon at sinabi niya kay Jonathan, "Ano bang aking nagawa? Ano ang aking pagkakasala? At ano ang aking kasalanan sa harap ng iyong ama, upang kanyang pagtangkaan ang aking buhay?" At sinabi niya sa kanya, "Malayong mangyari iyon! Hindi ka mamamatay. Ang aking ama ay hindi gumagawa ng anumang bagay na malaki o maliit na hindi niya ipinaaalam sa akin; at bakit ililihim sa akin ng aking ama ang bagay na ito? Hindi gayon." Subalit sumagot muli si David, "Nalalaman ng iyong ama na ako'y nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, at kanyang iniisip, 'Huwag itong ipaalam kay Jonathan, baka siya'y maghinagpis.' Ngunit sa katotohanan, habang buhay ang PANGINOON, at buhay ka, iisang hakbang ang nasa pagitan ko at sa kamatayan." Nang magkagayo'y sinabi ni Jonathan kay David, "Anumang nais ng iyong kaluluwa ay gagawin ko para sa iyo." Kaya't sinabi ni David kay Jonathan, "Bukas ay bagong buwan, at hindi maaaring hindi ko saluhan sa pagkain ang hari; ngunit bayaan mo akong umalis upang makapagtago sa parang hanggang sa ikatlong araw sa paglubogngaraw. Kapag ako'y hinanap ng iyong ama, iyo ngang sabihing, 'Nakiusap sa akin si David na siya'y papuntahin sa Bethlehem na kanyang bayan, sapagkat doon ay mayroong taunang paghahandog para sa buong angkan.' Kung kanyang sabihing, 'Mabuti!' ang iyong lingkod ay matitiwasay; ngunit kung siya'y magalit, tandaan mo na ang kasamaan ay ipinasiya na niya. Kaya't gawan mo ng mabuti ang iyong lingkod sapagkat dinala mo ang iyong lingkod sa isang banal na pakikipagtipan sa iyo. Ngunit kung mayroon akong pagkakasala ay ikaw mismo ang pumatay sa akin, sapagkat bakit mo pa ako dadalhin sa iyong ama?" At sinabi ni Jonathan, "Malayong mangyari iyon. Kung alam ko na ipinasiya ng aking ama na ang kasamaan ay sumapit sa iyo, hindi ko ba sasabihin sa iyo?" Nang magkagayo'y sinabi ni David kay Jonathan, "Sino ang magsasabi sa akin kung ang iyong ama ay sumagot sa iyo nang may galit?" At sinabi ni Jonathan kay David, "Halika, tayo'y lumabas sa parang." At sila'y kapwa lumabas sa parang. Sinabi ni Jonathan kay David, "Sa pamamagitan ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel! Kapag natunugan ko na ang aking ama, sa mga oras na ito, bukas, o sa ikatlong araw, kapag mabuti na ang kalooban niya kay David, hindi ko ba ipapaabot at ipapaalam sa iyo? Ngunit kung gusto ng aking ama na gawan ka ng masama, ay gawin ng PANGINOON kay Jonathan at higit pa, kapag hindi ko ipaalam sa iyo at paalisin ka, upang ligtas kang makaalis. Ang PANGINOON nawa ay sumama sa iyo gaya ng pagiging kasama siya ng aking ama. Kung ako'y buhay pa, ipakita mo sa akin ang tapat na pag-ibig ng PANGINOON, ngunit kung ako'y mamatay; huwag mong puputulin ang iyong kagandahang-loob sa aking sambahayan, kahit ginantihan na ng PANGINOON ang lahat ng mga kaaway ni David sa balat ng lupa." Sa gayo'y nakipagtipan si Jonathan sa sambahayan ni David, na sinasabi, "Gantihan nawa ng PANGINOON ang mga kaaway ni David." Muling pinasumpa ni Jonathan si David ng pagmamahal niya sa kanya; sapagkat kanyang minamahal siya na gaya ng pagmamahal niya sa kanyang sariling buhay. Pagkatapos ay sinabi ni Jonathan sa kanya, "Bukas ay bagong buwan, at ikaw ay hahanapin sapagkat walang uupo sa iyong upuan. Sa ikatlong araw ay bumaba ka agad at pumunta ka sa lugar na iyong pinagtaguan nang araw na pag-usapan ito, at ikaw ay maghihintay sa tabi ng batong Ezel. Ako'y papana ng tatlong palaso sa tabi niyon na parang ako'y may pinatatamaan. Pagkatapos, aking susuguin ang bata na sinasabi, 'Hanapin mo ang mga palaso.' Kung aking sabihin sa bata, Tingnan mo, ang mga palaso ay narito sa dako mo rito, kunin ang mga iyon,' kung gayon ay pumarito ka, sapagkat habang buhay ang PANGINOON, ligtas para sa iyo at walang panganib. Ngunit kapag aking sabihin sa bata, Tingnan mo, ang mga palaso ay nasa kabila mo pa roon,' ay umalis ka na, sapagkat pinaaalis ka ng PANGINOON. Tungkol sa bagay na ating pinag-usapan, ang PANGINOON ay nasa pagitan natin magpakailanman." Kaya't nagkubli si David sa parang. Nang dumating ang bagong buwan, ang hari ay umupo upang kumain. Umupo ang hari sa kanyang upuan gaya nang kinaugalian niya, sa upuang nasa tabi ng dingding. Umupo sa tapat si Jonathan, samantalang nakaupo si Abner sa tabi ni Saul, ngunit sa upuan ni David ay walang nakaupo. Gayunma'y hindi nagsalita si Saul ng anuman sa araw na iyon, sapagkat kanyang iniisip, "May nangyari sa kanya, siya'y hindi malinis; tunay na siya'y hindi malinis." Subalit nang ikalawang araw, kinabukasan pagkaraan ng bagong buwan, sa upuan ni David ay walang nakaupo. Sinabi ni Saul kay Jonathan na kanyang anak, "Bakit wala pa ang anak ni Jesse upang kumain, kahit kahapon, o ngayon?" Sumagot si Jonathan kay Saul, "Nakiusap si David na hayaan ko siyang pumunta sa Bethlehem; kanyang sinabi, 'Nakikiusap ako sa iyo na hayaan mo akong umalis sapagkat ang aming angkan ay may paghahandog sa bayan at iniutos sa akin ng aking kapatid na pumunta roon. Ngayon, kung ako'y nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, hayaan mo akong umalis at makita ko ang aking mga kapatid.' Ito ang dahilan kung bakit hindi siya nakarating sa hapag ng hari." Nang magkagayo'y nag-init ang galit ni Saul laban kay Jonathan, at sinabi niya sa kanya, "Ikaw na anak ng isang masama at mapaghimagsik na babae! Hindi ko ba alam na iyong pinili ang anak ni Jesse sa ikahihiya mo, at sa ikahihiya ng kahubaran ng iyong ina? Sapagkat habang nabubuhay ang anak ni Jesse sa ibabaw ng lupa, ikaw ni ang iyong kaharian ay hindi mapapanatag. Kaya't ngayo'y ipasundo mo at dalhin siya sa akin, sapagkat siya'y tiyak na mamamatay." At sumagot si Jonathan kay Saul na kanyang ama, "Bakit kailangang siya'y patayin? Anong kanyang ginawa?" Ngunit siya ay sinibat ni Saul upang patayin siya; kaya't nalaman ni Jonathan na ipinasiya ng kanyang ama na patayin si David. Kaya't galit na galit na tumindig si Jonathan sa hapag at hindi kumain nang ikalawang araw ng buwan sapagkat siya'y nagdalamhati para kay David, yamang hiniya siya ng kanyang ama. Kinaumagahan, si Jonathan ay pumunta sa parang ayon sa napag-usapan nila ni David, at kasama niya ang isang munting bata. Sinabi niya sa bata, "Takbo, hanapin mo ang mga palaso na aking ipinana." Habang tumatakbo ang bata, kanyang ipinana ang palaso sa unahan niya. Nang dumating ang bata sa lugar ng palaso na ipinana ni Jonathan, tinawagan ni Jonathan ang bata, at sinabi, "Hindi ba ang palaso ay nasa unahan mo?" At tinawagan ni Jonathan ang bata, "Bilis, magmadali ka, huwag kang tumigil." Kaya't pinulot ng batang kasama ni Jonathan ang mga palaso, at pumunta sa kanyang panginoon. Ngunit walang nalalamang anuman ang bata. Sina Jonathan at David lamang ang nakakaalam ng tungkol sakasunduan. Ibinigay ni Jonathan ang kanyang sandata sa bata at sinabi sa kanya, "Umalis ka na at dalhin mo ang mga ito sa lunsod." Pagkaalis ng bata, si David ay tumindig mula sa tabi ng bato at sumubsob sa lupa, at yumukod ng tatlong ulit. Hinalikan nila ang isa't isa, kapwa umiyak ngunit si David ay umiyak nang labis. At sinabi ni Jonathan kay David, "Umalis kang payapa, yamang tayo'y kapwa sumumpa sa pangalan ng PANGINOON na nagsasabi, Ang PANGINOON ay lalagay sa pagitan natin, at sa pagitan ng aking mga anak at ng iyong mga anak, magpakailanman.'" At siya'y tumayo at umalis; at pumasok si Jonathan sa lunsod." Nang magkagayo'y pumunta si David sa Nob kay Ahimelec na pari. Nanginginig na sinalubong ni Ahimelec si David at itinanong sa kanya, "Bakit ka nag-iisa, at wala kang kasama?" At sinabi ni David kay Ahimelec na pari, "Inatasan ako ng hari ng isang bagay, at sinabi sa akin, 'Huwag ipaalam sa sinuman ang bagay na aking isinusugo sa iyo, at ang aking ibinilin sa iyo. Mayroon akong pakikipagtagpo sa mga kabataang lalaki sa gayo't gayong dako.' Ngayon, anong mayroon ka sa iyong kamay? Bigyan mo ako ng limang tinapay o anumang mayroon dito." At sumagot ang pari kay David, "Wala akong karaniwang tinapay dito, ngunit mayroong banal na tinapay — malibang inilayo ng mga kabataang lalaki ang kanilang sarili sa mga babae." Sumagot si David sa pari, "Sa katotohanan, ang mga babae ay laging inilalayo sa amin kapag mayroon kaming lakad. Ang mga sisidlan ng mga kabataan ay banal, bagaman isang karaniwang paglalakbay; gaano pa kaya kabanal ngayon ang kanilang mga sisidlan?" Kaya't binigyan siya ng pari ng banal na tinapay. Walang tinapay roon maliban sa tinapay na handog na kinuha sa harap ng PANGINOON, na papalitan ng mainit na tinapay sa araw na iyon ay kunin. Noon ay may isang lalaki sa mga lingkod ni Saul na naroon nang araw na iyon na nakabilanggo sa PANGINOON. Ang pangalan niya ay Doeg na Edomita, ang pinuno ng mga pastol ni Saul. At sinabi ni David kay Ahimelec, "Wala ka ba ritong sibat o tabak? Hindi ko nadala kahit ang aking tabak o ang aking mga sandata man, dahil sa ang bilin ng hari ay madalian." Sinabi ng pari, "Ang tabak ni Goliat na Filisteo na iyong pinatay sa libis ng Ela, ay nakabalot sa isang tela na nasa likod ng efod. Kung iyong kukunin iyon ay kunin mo, sapagkat walang iba rito liban doon." At sinabi ni David, "Walang ibang gaya niyon. Ibigay mo sa akin." Tumindig si David at tumakas kay Saul nang araw na iyon at pumunta kay Achis na hari ng Gat. At sinabi ng mga lingkod ni Achis sa kanya, "Hindi ba ito'y si David na hari sa lupain? Hindi ba't nag-aawitan sila sa isa't isa tungkol sa kanya sa mga sayaw, na sinasabi, 'Pinatay ni Saul ang kanyang libu-libo, At ni David ang kanyang laksa-laksa'?" Iningatan ni David ang mga salitang ito sa kanyang puso at siya'y naging takot na takot kay Achis na hari ng Gat. Kaya't kanyang binago ang kanyang kilos sa harap nila, at nagkunwaring baliw sa harapan nila. Gumawa siya ng mga guhit sa mga pinto ng tarangkahan, at pinatulo ang laway sa kanyang balbas. Nang magkagayo'y sinabi ni Achis sa kanyang mga lingkod, "Tingnan ninyo, ang lalaki ay baliw. Bakit ninyo siya dinala sa akin? Kulang ba ako ng mga taong ulol, na inyong dinala ang taong ito upang maglaro ng kabaliwan sa aking harapan? Papasok ba ang taong ito sa aking bahay?" Umalis si David doon at tumakas patungo sa yungib ng Adullam. Nang mabalitaan iyon ng kanyang mga kapatid at ng sambahayan ng kanyang ama, kanilang pinuntahan siya roon. Bawat nagdadalamhati, bawat may utang, at bawat hindi nasisiyahan ay nagtipun-tipon sa kanya, at siya'y naging punong kawal nila. At nagkaroon siya ng may apatnaraang tauhan. Mula roon ay pumunta si David sa Mizpa ng Moab, at kanyang sinabi sa hari ng Moab: "Hinihiling ko sa iyo na ang aking ama at ina ay makalabas, at makipanirahan sa inyo, hanggang sa malaman ko kung ano ang gagawin ng Diyos para sa akin." At kanyang iniwan sila sa hari ng Moab at sila'y nanirahang kasama niya sa buong panahon na si David ay nasa muog. Sinabi ni propeta Gad kay David, "Huwag kang manirahan sa muog; umalis ka at pumasok sa lupain ng Juda." Nang magkagayo'y umalis si David at pumunta sa gubat ng Heret. Nabalitaan ni Saul na si David at ang mga lalaking kasama niya ay natagpuan na. Si Saul ay nakaupo sa Gibea sa ilalim ng punong tamarisko sa Rama na hawak ang sibat sa kanyang kamay, at ang lahat ng kanyang mga lingkod ay nakatayo sa palibot niya. At sinabi ni Saul sa kanyang mga lingkod na nakatayo sa palibot niya, "Pakinggan ninyo ngayon, mga Benjaminita. Mabibigyan ba ng anak ni Jesse ang bawat isa sa inyo ng mga bukirin at mga ubasan? Kayo bang lahat ay gagawin niyang mga punong kawal ng libu-libo at mga punong kawal ng daan-daan; upang kayong lahat ay magsabwatan laban sa akin? Walang nagsabi sa akin nang makipagtipan ang aking anak sa anak ni Jesse. Walang sinuman sa inyo na nagdamdam dahil sa akin, o nagsabi sa akin na hinikayat ng aking anak ang aking lingkod laban sa akin upang mag-abang, gaya sa araw na ito?" Nang magkagayo'y sumagot si Doeg na Edomita na nakatayo sa tabi ng mga lingkod ni Saul, "Nakita ko ang anak ni Jesse na dumating sa Nob, kay Ahimelec na anak ni Ahitub. At kanyang isinangguni siya sa PANGINOON, at binigyan siya ng mga pagkain, at ibinigay sa kanya ang tabak ni Goliat na Filisteo." Nang magkagayo'y ipinatawag ng hari si Ahimelec na pari na anak ni Ahitub, at ang buong sambahayan ng kanyang ama, na mga paring Nob, at sila'y pumuntang lahat sa hari. Sinabi ni Saul, "Makinig ka ngayon, ikaw na anak ni Ahitub." At siya'y sumagot. "Narito ako, panginoon ko." At sinabi ni Saul sa kanya, "Bakit kayo ay nagsabwatan laban sa akin, ikaw, at ang anak ni Jesse, sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanyang tinapay at tabak, at isinangguni siya sa Diyos upang siya'y mag-alsa laban sa akin at ako'y tambangan gaya sa araw na ito?" Nang magkagayo'y sumagot si Ahimelec sa hari at nagsabi, "Sino sa lahat ng iyong mga lingkod ang tapat na gaya ni David, na manugang ng hari, at pinuno ng iyong mga kawal at iginagalang sa iyong bahay? Ngayon ba ang unang pagkakataon na ako'y sumangguni sa Diyos para sa kanya? Hindi! Huwag nawang ibintang ng hari ang anumang bagay sa kanyang lingkod, o sa buong sambahayan man ng aking ama; sapagkat walang nalalamang bagay ang iyong lingkod tungkol sa lahat ng ito, munti man o malaki." Sinabi ng hari, "Ikaw ay tiyak na mamamatay, Ahimelec, ikaw at ang buong sambahayan ng iyong ama." Sinabi ng hari sa bantay na nakatayo sa palibot niya, "Harapin ninyo at patayin ang mga pari ng PANGINOON, sapagkat sila man ay panig din kay David. Alam nila na siya'y tumakas, at hindi nila ipinaalam sa akin." Ngunit ayaw itaas ng mga lingkod ng hari ang kanilang kamay upang patayin ang mga pari ng PANGINOON. At sinabi ng hari kay Doeg, "Hanapin mo at iyong patayin ang mga pari." Hinarap ni Doeg na Edomita at kanyang pinatay ang mga pari, at ang kanyang pinatay nang araw na iyon ay walumpu't limang lalaki na nagsusuot ng efod na lino. At kanyang pinatay ng tabak ang taga-Nob, ang lunsod ng mga pari, ang mga lalaki at ang mga babae, mga bata, mga pasusuhin, mga baka, asno, at mga tupa. Subalit isa sa mga anak ni Ahimelec na anak ni Ahitub, na ang pangalan ay Abiatar ang nakatakas at tumakbong patungo kay David. At sinabi ni Abiatar kay David na pinatay ni Saul ang mga pari ng PANGINOON. Sinabi ni David kay Abiatar, "Nalalaman ko na nang araw na iyon na si Doeg na Edomita ay naroon, at kanyang tiyak na sasabihin kay Saul. Ako ang naging kadahilanan ng kamatayan ng lahat ng mga tao sa sambahayan ng iyong ama. Dito ka sa akin, huwag kang matakot; sapagkat siya na tumutugis sa aking buhay ay tumutugis sa iyong buhay; ligtas ka sa piling ko." At kanilang sinabi kay David, "sinalakay ng mga Filisteo ang Keila, at kanilang ninanakawan ang mga giikan." Kaya't sumangguni si David sa PANGINOON, na nagsasabi, "Lalakad ba ako at aking sasalakayin ang mga Filisteong ito?" At sinabi ng PANGINOON kay David, "Lumakad ka at iyong salakayin ang mga Filisteo at iligtas mo ang Keila." Ngunit sinabi ng mga tauhan ni David sa kanya, "Tingnan ninyo, tayo'y natatakot dito sa Juda; gaano pa nga kaya kung tayo ay pupunta sa Keila laban sa mga hukbo ng mga Filisteo?" Kaya't sumangguning muli si David sa PANGINOON. At sinabi ng PANGINOON sa kanya, "Oo, lumusong ka sa Keila; sapagkat aking ibibigay ang mga Filisteo sa iyong kamay." Kaya't si David at ang kanyang mga tauhan ay pumunta sa Keila, nilabanan ang mga Filisteo, tinangay ang kanilang kawan, at ipinaranas sa kanila ang isang napakalaking pagkatalo. Gayon iniligtas ni David ang mga mamamayan sa Keila. Nang tumakas si Abiatar na anak ni Ahimelec patungo kay David sa Keila, siya'y lumusong na may isang efod sa kanyang kamay. At ibinalita kay Saul na si David ay pumaroon sa Keila. At sinabi ni Saul, "Ibinigay siya ng Diyos sa aking kamay; sapagkat sinarhan niya ang kanyang sarili sa kanyang pagpasok sa isang bayan na mayroong mga tarangkahan at mga halang." Tinawag ni Saul ang buong bayan sa pakikidigma upang lumusong sa Keila at kubkubin si David at ang kanyang mga tauhan. Nang malaman ni David na nagbabalak si Saul ng masama laban sa kanya, sinabi niya kay Abiatar na pari, "Dalhin mo rito ang efod." Nang magkagayo'y sinabi ni David, "O PANGINOON, na Diyos ng Israel, nabalitaan ng iyong lingkod na pinagsisikapan ni Saul na pumunta sa Keila upang wasakin ang lunsod dahil sa akin. Ibibigay ba ako ng mga tao sa Keila sa kanyang kamay? Lulusong ba si Saul ayon sa nabalitaan ng iyong lingkod? O PANGINOON, na Diyos ng Israel, idinadalangin ko sa iyo na sabihin mo sa iyong lingkod." At sinabi ng PANGINOON, "Siya'y lulusong." Nang magkagayo'y sinabi ni David, "Isusuko ba ako at ang aking mga tauhan ng mga taga-Keila sa kamay ni Saul?" At sinabi ng PANGINOON, "Isusuko ka nila." Kaya't si David at ang kanyang mga tauhan na may animnaraan ay tumindig at umalis sa Keila, at sila'y pumunta kung saanman sila makakarating. Nang ibalita kay Saul na si David ay nakatakas mula sa Keila, kanyang itinigil na ang pagsalakay. Si David ay nanatili sa mga kuta sa ilang at tumira sa lupaing maburol sa ilang ng Zif. At hinanap siya ni Saul araw-araw, ngunit hindi siya ibinigay ng Diyos sa kanyang kamay. Si David ay nasa ilang ng Zif sa Hores nang kanyang malaman na si Saul ay lumabas upang tugisin ang kanyang buhay. Si Jonathan na anak ni Saul ay naghanda at pumunta kay David sa Hores, at pinalakas ang kanyang kamay sa pamamagitan ng Diyos. Sinabi niya sa kanya, "Huwag kang matakot, sapagkat hindi ka malalapatan ng kamay ni Saul na aking ama. Ikaw ay magiging hari sa Israel at ako'y magiging pangalawa mo. Nalalaman din ito ni Saul na aking ama." Silang dalawa ay nagtipanan sa harap ng PANGINOON; si David ay nanatili sa Hores at si Jonathan ay umuwi sa kanyang bahay. Pagkatapos ay umahon ang mga Zifeo kay Saul sa Gibea, na sinasabi, "Hindi ba nagkukubli sa amin si David sa mga kuta sa gubat sa burol ng Hachila na nasa timog ng Jesimon? Ngayon, O hari, kung gusto mong lumusong ay gawin mo; at ang aming bahagi ay isuko siya sa kamay ng hari." At sinabi ni Saul, "Pagpalain nawa kayo ng PANGINOON sapagkat kayo'y nahabag sa akin. Kayo'y humayo at tiyaking muli. Alaming mabuti ang kanyang kinaroroonan, at kung sino ang nakakita sa kanya roon; sinabi sa akin na siya'y napakatuso. Tingnan ninyo ang palibot at alamin ang mga lihim na lugar na kanyang pinagtataguan, at bumalik kayo sa akin na may tiyak na balita at ako'y pupuntang kasama ninyo. Kapag siya'y nasa lupain, siya'y aking hahanapin sa gitna ng lahat ng mga libu-libo sa Juda." At sila'y tumindig at pumunta sa Zif na nauna kay Saul. Si David at ang kanyang mga tauhan ay nasa ilang ng Maon sa Araba sa timog ng Jesimon. Si Saul at ang kanyang mga tauhan ay umalis upang hanapin siya. Nang ibalita iyon kay David siya'y lumusong sa batuhan na nasa ilang ng Maon. At nang mabalitaan ni Saul, kanyang hinabol si David sa ilang ng Maon. Pumunta si Saul sa isang panig ng bundok. Si David at ang kanyang mga tauhan ay sa kabilang panig ng bundok; at si David ay nagmadali upang makalayo kay Saul, habang si Saul at ang kanyang mga tauhan ay papalapit kina David at sa kanyang mga tauhan upang sila'y hulihin. Ngunit dumating ang isang sugo kay Saul, na nagsasabi, "Dali, pumarito ka, sapagkat ang mga Filisteo ay sumalakay sa lupain." Kaya't bumalik si Saul mula sa pagtugis kay David, at humayo laban sa mga Filisteo; kaya't tinatawag ang dakong iyon na Bato ng Pagtakas. At si David ay umahon mula roon at nanirahan sa mga kuta ng En-gedi. Nang si Saul ay bumalik mula sa paghabol sa mga Filisteo, sinabi sa kanya, "Si David ay nasa ilang ng En-gedi." Nang magkagayo'y kumuha si Saul ng tatlong libong piling lalaki sa buong Israel, at naglakbay upang tugisin si David at ang kanyang mga tauhan sa harapan ng Batuhan ng Maiilap na Kambing. Siya'y dumating sa mga kulungan ng kawan sa daan na kinaroroonan ng isang yungib; at pumasok si Saul upang dumumi. Samantala, si David at ang kanyang mga tauhan ay nakaupo sa kaloob-loobang bahagi ng yungib. At sinabi ng mga tauhan ni David sa kanya, "Narito ang araw na sinabi ng PANGINOON sa iyo, 'Aking ibibigay ang iyong kaaway sa iyong kamay, at iyong gagawin sa kanya kung ano ang gusto mo.'" Nang magkagayo'y tumindig si David at lihim na pinutol ang laylayan ng balabal ni Saul. Pagkatapos, nagdamdam ang puso ni David sapagkat kanyang pinutol ang laylayan ng balabal ni Saul. At sinabi niya sa kanyang mga tauhan, "Huwag ipahintulot ng PANGINOON na ako'y gumawa ng ganitong bagay sa aking panginoon na binuhusan ng langis ng PANGINOON, na aking saktan siya ng aking kamay gayong siya ang binuhusan ng langis ng PANGINOON." Kaya't nahikayat ni David ang kanyang mga tauhan sa pamamagitan ng mga salitang ito, at hindi niya pinahintulutan sila na salakayin si Saul. Pagkatapos ay tumindig si Saul, lumabas sa yungib at nagpatuloy sa kanyang lakad. Pagkatapos, si David ay tumindig, at lumabas sa yungib, at pasigaw na sinabi kay Saul, "Panginoon kong hari." Nang lumingon si Saul ay iniyukod ni David ang kanyang mukha sa lupa at nagbigay galang. At sinabi ni David kay Saul, "Bakit ka nakikinig sa mga salita ng mga tao na nagsasabi, 'Tingnan mo, pinagsisikapan kang gawan ng masama ni David?' Nakita ngayon ng iyong mga mata kung paanong ibinigay ka ngayon ng PANGINOON sa aking kamay sa yungib, at sinabi sa akin ng iba na patayin kita. Ngunit hinayaan kita at aking sinabi, 'Hindi ko sasaktan ng aking kamay ang aking panginoon, sapagkat siya ang binuhusan ng langis ng PANGINOON.' Bukod dito'y iyong tingnan, ama ko. Tingnan mo ang laylayan ng iyong balabal sa aking kamay. Sapagkat sa pagputol ko ng laylayan ng iyong balabal at hindi ko pagpatay sa iyo, matitiyak mo na wala kahit kasamaan o pagtataksil man sa aking sarili. Hindi ako nagkasala laban sa iyo, kahit tinutugis mo ako upang kunin ang aking buhay. Hatulan nawa tayo ng PANGINOON, at ipaghiganti nawa ako ng PANGINOON sa iyo; ngunit ako ay hindi magiging laban sa iyo. Gaya ng sabi ng kawikaan ng matatanda, 'Sa masama nagmumula ang kasamaan,' ngunit ako ay hindi magiging laban sa iyo. Laban kanino lumabas ang hari ng Israel? Sinong hinahabol mo? Isang patay na aso! Isang pulgas! Ang PANGINOON nawa ang humatol, maghukom sa pagitan natin, magsiyasat, ipagsanggalang ang aking usapin, at iligtas ako sa iyong kamay." Matapos sabihin ni David ang mga salitang ito kay Saul, sinabi ni Saul, "Ito ba ay iyong tinig, anak kong David?" At inilakas ni Saul ang kanyang tinig, at umiyak. Kanyang sinabi kay David, "Ikaw ay higit na matuwid kaysa akin sapagkat ikaw ay gumanti sa akin ng mabuti, samantalang ikaw ay aking ginantihan ng masama. Ipinahayag mo sa araw na ito kung paanong gumawa ka sa akin ng mabuti, sapagkat nang ibigay ako ng PANGINOON sa iyong kamay ay hindi mo ako pinatay. Sapagkat kung matagpuan ng isang tao ang kanyang kaaway, hahayaan ba niyang makaalis na ligtas? Kaya't gantihan ka nawa ng mabuti ng PANGINOON dahil sa iyong ginawa sa akin sa araw na ito. At ngayon, nalalaman ko na ikaw ay tunay na magiging hari, at ang kaharian ng Israel ay matatatag sa iyong kamay. Isumpa mo ngayon sa akin sa pamamagitan ng PANGINOON na hindi mo puputulin ang aking lahi pagkamatay ko, at hindi mo papawiin ang aking pangalan sa sambahayan ng aking ama." At sumumpa si David kay Saul. Pagkatapos, si Saul ay umuwi ngunit si David at ang kanyang mga tauhan ay umakyat sa kuta. Namatay si Samuel, at nagtipun-tipon ang buong Israel at tinangisan siya. Kanilang inilibing siya sa kanyang bahay sa Rama. At tumindig si David at lumusong sa ilang ng Paran. May isang lalaki sa Maon na ang mga ari-arian ay nasa Carmel. Ang lalaki ay napakayaman; siya'y mayroong tatlong libong tupa at isang libong kambing. Ginugupitan niya ng balahibo ang kanyang mga tupa sa Carmel. Ang pangalan ng lalaki ay Nabal, at ang pangalan ng kanyang asawa ay Abigail. Ang babae ay matalino at maganda, ngunit ang lalaki ay masungit at masama ang ugali. Siya'y mula sa sambahayan ni Caleb. Nabalitaan ni David sa ilang na ginugupitan ni Nabal ng balahibo ang kanyang mga tupa. Kaya't nagsugo si David ng sampung kabataang lalaki at sinabi ni David sa mga kabataan, "Umahon kayo sa Carmel at pumunta kayo kay Nabal, at batiin ninyo siya sa aking pangalan. Ganito ang sasabihin ninyo sa kanya: 'Kapayapaan nawa ang sumaiyo, at kapayapaan nawa ang sumaiyong sambahayan, at kapayapaan nawa ang dumating sa lahat ng iyong pag-aari. Nabalitaan kong ikaw ay may mga manggugupit ng balahibo ng tupa. Ang iyong mga pastol ay naging kasama namin, at hindi namin sila sinaktan, o nawalan man ng anumang bagay sa buong panahong sila ay nasa Carmel. Tanungin mo ang iyong mga kabataang lalaki at kanilang sasabihin sa iyo. Kaya't makatagpo nawa ng biyaya sa iyong paningin ang aking mga kabataan; sapagkat kami ay naparito sa araw ng kapistahan. Hinihiling ko sa iyo na magbigay ka ng anumang mayroon ka sa iyong mga lingkod, at sa iyong anak na si David.' " Nang dumating ang mga kabataang tauhan ni David, kanilang sinabi kay Nabal ang lahat ng mga salitang iyon sa pangalan ni David, at sila ay naghintay. At sinagot ni Nabal ang mga lingkod ni David, at nagsabi, "Sino ba si David? Sino ba ang anak ni Jesse? Maraming mga alila sa mga araw na ito ang lumalayas sa kanilang mga panginoon. Akin bang kukunin ang aking tinapay at tubig, at ang karne na aking kinatay para sa aking mga manggugupit, at ibibigay ko sa mga taong hindi ko nalalaman kung saan nanggaling?" Kaya't ang mga kabataang tauhan ni David ay umalis, bumalik, at sinabi sa kanya ang lahat ng mga salitang ito. At sinabi ni David sa kanyang mga tauhan, "Isukbit ng bawat isa sa inyo ang kanyang tabak." At nagsukbit ang bawat isa ng kanyang tabak; at si David ay nagsukbit din ng kanyang tabak. Ang umahong kasunod ni David ay may apatnaraang lalaki, samantalang ang dalawandaan ay nanatili kasama ng mga dala-dalahan. Ngunit sinabi ng isa sa mga kabataang lalaki kay Abigail, na asawa ni Nabal, "Si David ay nagpadala ng mga sugo mula sa ilang upang bumati sa ating panginoon ngunit sila'y nilait niya. Gayong ang mga lalaki ay napakabuti sa amin, at hindi kami sinaktan, o nawalan man ng anumang bagay nang kami ay nasa mga parang, habang kami ay nakikisama sa kanila. Sila'y naging aming pader sa gabi at sa araw sa buong panahong kami ay kasama nila sa pag-aalaga ng mga tupa. Ngayon ay iyong alamin at pag-aralan mo kung ano ang iyong gagawin, sapagkat ang kasamaan ay ipinasiya na laban sa ating panginoon at sa kanyang buong sambahayan. Siya'y may masamang ugali kaya't walang makipag-usap sa kanya." Nang magkagayo'y nagmadali si Abigail, kumuha ng dalawangdaang tinapay, dalawang sisidlang balat ng alak, limang tupang nalinisan na, limang takal ng sinangag na trigo, isandaang kumpol na pasas, dalawandaang tinapay na igos, at ipinapasan ang mga ito sa mga asno. At sinabi niya sa kanyang mga kabataang tauhan, "Mauna kayo sa akin; ako'y susunod sa inyo." Ngunit hindi niya ito sinabi sa kanyang asawang si Nabal. Samantalang siya'y nakasakay sa kanyang asno at lumulusong sa isang kubling dako ng bundok, si David at ang kanyang mga tauhan ay lumusong patungo sa kanya, at nagkasalubong sila. Sinabi ni David, "Tunay na walang kabuluhan na aking iningatan ang lahat ng pag-aari ng taong ito sa ilang, anupa't walang nawalang anuman sa lahat ng pag-aari niya; at ang mabuti ay ginantihan niya ng masama. Gawin nawa ng Diyos sa mga kaaway ni David, at higit pa, kung sa umaga ay mag-iwan ako ng higit sa isang lalaki sa lahat ng pag-aari niya." Nang makita ni Abigail si David, siya ay nagmadali at bumaba sa asno, at nagpatirapa sa harapan ni David at yumukod sa lupa. Siya'y nagpatirapa sa kanyang mga paa at nagsabi, "Sa akin mo na lamang ipataw ang pagkakasala, panginoon ko. Hinihiling ko sa iyo na iyong papagsalitain ang iyong lingkod sa iyong pandinig, at iyong pakinggan ang mga salita ng iyong lingkod. Ipinapakiusap ko sa iyo, na huwag pansinin ng aking panginoon itong lalaking si Nabal na may masamang ugali, sapagkat kung ano ang kanyang pangalan ay gayon siya. Nabal ang kanyang pangalan, at ang kahangalan ay nasa kanya; ngunit akong iyong lingkod ay hindi nakakita sa mga kabataang tauhan ng aking panginoon, na iyong sinugo. Ngayon, panginoon ko, habang buhay ang PANGINOON, at buhay ang iyong kaluluwa, yamang ikaw ay pinigil ng PANGINOON sa pagpapadanak ng dugo, at sa paghihiganti ng iyong sariling kamay, ang iyo nawang mga kaaway at ang mga nagnanais gumawa ng masama sa aking panginoon ay maging gaya ni Nabal. At ngayon, itong kaloob na dinala ng iyong lingkod sa aking panginoon ay ibigay mo sa mga kabataang sumusunod sa aking panginoon. Ipinapakiusap ko sa iyo na patawarin mo ang pagkakasala ng iyong babaing lingkod, sapagkat tiyak na igagawa ng PANGINOON ang aking panginoon ng isang sambahayang tiwasay. Ipinaglalaban ng aking panginoon ang mga laban ng PANGINOON at ang kasamaan ay hindi matatagpuan sa iyo habang ikaw ay nabubuhay. Kung sinuman ay mag-alsa upang habulin ka at tugisin ang iyong buhay, ang buhay ng aking panginoon ay mabibigkis sa bigkis ng mga nabubuhay sa pag-aaruga ng PANGINOON mong Diyos; at ang mga buhay ng iyong mga kaaway ay ihahagis niya na parang mula sa guwang ng isang tirador. At kapag nagawa na ng PANGINOON sa aking panginoon ang ayon sa lahat ng mabuti na kanyang sinabi tungkol sa iyo, at kanyang itinalaga ka bilang pinuno ng Israel; ang aking panginoon ay hindi magkakaroon ng dahilan upang malungkot, o pag-uusig ng budhi, dahil sa pagpapadanak ng dugo nang walang dahilan o para sa aking panginoon na siya mismo ang maghiganti. At kapag gumawa ang PANGINOON ng mabuti sa aking panginoon, alalahanin mo nga ang iyong babaing lingkod." Sinabi ni David kay Abigail, "Purihin nawa ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel, na nagsugo sa iyo sa araw na ito upang salubungin ako! Purihin nawa ang iyong karunungan, at pagpalain ka nawa na pumigil sa akin sa araw na ito sa pagpapadanak ng dugo, at sa paghihiganti ng aking sariling kamay! Sapagkat kung gaano katiyak na buhay ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel na siyang pumigil sa akin na saktan ka, malibang ikaw ay nagmadali at pumarito upang sumalubong sa akin, tiyak na walang maiiwan kay Nabal sa pagbubukang-liwayway kahit isang batang lalaki." Pagkatapos ay tinanggap ni David mula sa kamay ni Abigail ang dinala niya para sa kanya; at sinabi ni David sa kanya, "Umahon kang payapa sa iyong bahay; tingnan mo, aking pinakinggan ang iyong tinig at aking ipinagkaloob ang iyong kahilingan." Pumunta si Abigail kay Nabal; siya'y nagdaraos ng isang kapistahan sa kanyang bahay na gaya ng pagpipista ng isang hari. Si Nabal ay masayang-masaya sapagkat siya'y lasing na lasing. Kaya't walang sinabing anuman si Abigail sa kanya hanggang sa pagbubukang-liwayway. Kinaumagahan, nang hindi na lasing si Nabal, sinabi ng asawa niya sa kanya ang mga bagay na ito at nagkasakit siya sa puso, at siya'y naging parang isang bato. Pagkaraan ng may sampung araw, sinaktan ng PANGINOON si Nabal, at siya'y namatay. Nang mabalitaan ni David na si Nabal ay patay na, sinabi niya, "Purihin ang PANGINOON na siyang naghiganti sa pag-alipustang tinanggap ko sa kamay ni Nabal, at pinigil ang kanyang lingkod sa kasamaan. Ang masamang gawa ni Nabal ay ibinalik ng PANGINOON sa kanyang sariling ulo." Pagkatapos ay nagsugo si David at hinimok si Abigail na maging asawa niya. Nang dumating ang mga lingkod ni David kay Abigail sa Carmel, kanilang sinabi sa kanya, "Sinugo kami ni David sa iyo upang kunin ka na maging asawa niya." At siya'y tumindig at nagpatirapa sa lupa, at nagsabi, "Ang iyong lingkod ay isang alila na maghuhugas ng mga paa ng mga lingkod ng aking panginoon." Nagmadali si Abigail, tumindig, at sumakay sa isang asno. Pinaglingkuran siya ng kanyang limang katulong na dalaga. Siya'y sumunod sa mga sugo ni David, at siya'y naging kanyang asawa. Kinuha rin ni David si Ahinoam na taga-Jezreel; at sila'y kapwa naging asawa niya. Ibinigay ni Saul si Mical na kanyang anak, na asawa ni David, kay Palti na anak ni Lais na taga-Galim. At dumating ang mga Zifeo kay Saul sa Gibea, na nagsasabi, "Hindi ba nagtatago si David sa burol ng Hachila, sa tapat ng Jesimon?"" Kaya't tumindig si Saul at lumusong sa ilang ng Zif na kasama ang tatlong libong piling lalaki sa Israel upang hanapin si David sa ilang ng Zif. At humimpil si Saul sa burol ng Hachila na nasa tabi ng daan sa silangan ng Jesimon. Ngunit si David ay nanatili sa ilang. Nang makita niya na sinusundan siya ni Saul sa ilang, nagsugo si David ng mga espiya at natiyak na dumating na nga si Saul. Si David ay pumunta sa dakong pinaghihimpilan ni Saul. Nakita ni David ang lugar na kinaroroonan ni Saul at ni Abner na anak ni Ner, na kapitan ng kanyang hukbo. Si Saul ay nakahiga sa loob ng kampo, at ang mga tauhan ay nakahimpil sa palibot niya. Nang magkagayo'y nagsalita si David at sinabi kay Ahimelec na Heteo, at kay Abisai na anak ni Zeruia, na kapatid ni Joab, "Sinong sasama sa akin sa paglusong kay Saul sa kampo?" At sinabi ni Abisai, 'Ako'y lulusong na kasama mo." Kinagabihan, dumating sina David at Abisai sa hukbo. Naroon si Saul na natutulog sa loob ng kampo na ang kanyang sibat ay nakasaksak sa lupa sa kanyang ulunan; si Abner at ang hukbo ay nakahiga sa palibot niya. Nang magkagayo'y sinabi ni Abisai kay David, "Ibinigay ng Diyos ang iyong kaaway sa iyong kamay sa araw na ito. Ngayo'y hayaan mong tuhugin ko siya ng sibat sa lupa sa isang saksak, at hindi ko siya uulusin ng dalawang ulit." Ngunit sinabi ni David kay Abisai, "Huwag mo siyang patayin! Sapagkat sinong maglalapat ng kanyang kamay na hindi magkakasala laban sa binuhusan ng langis ng PANGINOON?" At sinabi ni David, "Buhay ang PANGINOON, ang PANGINOON ang papatay sa kanya o darating ang kanyang araw upang mamatay o siya'y lulusong sa labanan at mapapahamak. Huwag ipahintulot ng PANGINOON na lapatan ko ng aking kamay ang binuhusan ng langis ng PANGINOON. Ngunit ngayo'y hinihiling ko sa iyo na kunin mo, ang sibat na nasa kanyang ulunan, at ang banga ng tubig, at tayo'y umalis." Kaya't kinuha ni David ang sibat at ang banga ng tubig sa ulunan ni Saul at sila'y umalis. Walang nakakita o nakaalam man, o nagising man ang sinuman, sapagkat sila'y pawang mga tulog, dahil isang mahimbing na pagkakatulog mula sa PANGINOON ang dumating sa kanila. Pagkatapos ay dumaan si David sa kabilang dako, at tumayo sa tuktok ng bundok sa may kalayuan na may malaking pagitan sa kanila. At sumigaw si David sa hukbo at kay Abner na anak ni Ner, "Hindi ka ba sasagot, Abner?" Nang magkagayo'y sumagot si Abner at nagsabi, "Sino kang sumisigaw sa hari?" Sinabi naman ni David kay Abner, "Hindi ka ba lalaki? Sinong gaya mo sa Israel? Bakit hindi mo binantayan ang iyong panginoong hari? Sapagkat pumasok ang isa sa taong-bayan upang patayin ang hari na iyong panginoon. Ang bagay na ito na iyong ginawa ay hindi mabuti. Habang buhay ang PANGINOON, kayo'y dapat mamatay, sapagkat hindi ninyo binantayan ang inyong panginoon, ang binuhusan ng langis ng PANGINOON. At ngayo'y tingnan ninyo kung saan naroroon ang sibat ng hari at ang banga ng tubig na nasa kanyang ulunan." Nakilala ni Saul ang tinig ni David at nagsabi, "Ito ba ay tinig mo, anak kong David?" At sinabi ni David, "Tinig ko nga, panginoon ko, O hari." At kanyang sinabi, "Bakit tinutugis ng aking panginoon ang kanyang lingkod? Sapagkat anong aking ginawa? O anong kasalanan ang nasa aking kamay? Ngayon, pakinggan nawa ng aking panginoong hari ang mga salita ng kanyang lingkod. Kung ang PANGINOON ang siyang nag-udyok sa iyo laban sa akin, tumanggap nawa siya ng isang handog. Ngunit kung ang mga anak ng tao, sumpain sila sa harap ng PANGINOON, sapagkat sila ang nagpalayas sa akin sa araw na ito upang huwag akong magkaroon ng bahagi sa pamana ng PANGINOON, na nagsasabi, 'Humayo ka, maglingkod ka sa ibang mga diyos.' Kaya't ngayon, huwag ibuhos ang aking dugo sa lupa mula sa harap ng PANGINOON; sapagkat lumabas ang hari ng Israel upang humanap ng isang kuto, gaya ng isang humahabol sa isang pugo sa mga bundok." Pagkatapos ay sinabi ni Saul, "Ako'y nagkasala; bumalik ka, anak kong David sapagkat hindi na ako gagawa ng masama sa iyo, sapagkat ang aking buhay ay mahalaga sa iyong paningin sa araw na ito. Ako'y naging hangal at nakagawa ng napakalaking pagkakamali." At sumagot si David at nagsabi, "Narito ang sibat, O hari! Papuntahin mo rito ang isa sa mga kabataan at kunin ito. Gagantimpalaan ng PANGINOON ang bawat tao sa kanyang katuwiran at sa kanyang katapatan; sapagkat ibinigay ka ng PANGINOON sa aking kamay ngayon, at hindi ko inilapat ang aking kamay laban sa binuhusan ng langis ng PANGINOON. Kung paanong ang iyong buhay ay napakahalaga sa aking paningin sa araw na ito, nawa'y maging mahalaga ang aking buhay sa paningin ng PANGINOON, at nawa'y iligtas niya ako sa lahat ng kapighatian." Pagkatapos ay sinabi ni Saul kay David, "Pagpalain ka, anak kong David. Gagawa ka ng maraming bagay at magtatagumpay ka sa mga iyon." Kaya't nagpatuloy si David sa kanyang lakad at si Saul ay bumalik sa kanyang lugar. Sinabi ni David sa kanyang puso, "Balang araw ako'y mamamatay sa kamay ni Saul. Walang higit na mabuti sa akin kundi ang tumakas tungo sa lupain ng mga Filisteo. Si Saul ay mawawalan ng pag-asa na ako'y hanapin pa sa nasasakupan ng Israel; at ako'y makakatakas mula sa kanyang kamay." Kaya't si David at ang animnaraang lalaking kasama niya ay umalis at pumunta kay Achis na anak ni Maoch na hari ng Gat. Nanirahan si David na kasama ni Achis sa Gat, siya at ang kanyang mga tauhan, bawat lalaki at ang kanyang sambahayan, si David at ang kanyang dalawang asawa, si Ahinoam na taga-Jezreel at si Abigail na taga-Carmel na balo ni Nabal. Nang ibalita kay Saul na si David ay tumakas na patungo sa Gat ay hindi na niya hinanap siyang muli. At sinabi ni David kay Achis, "Kung ngayo'y nakatagpo ako ng biyaya sa iyong paningin, bigyan nila ako ng isang matitirahan sa isa sa mga bayan sa kabukiran upang ako'y manirahan doon; sapagkat bakit maninirahang kasama mo ang iyong lingkod sa lunsod ng hari?" Kaya't ibinigay ni Achis sa kanya ang Siclag nang araw na iyon. Kaya't ang Siclag ay naging sakop ng mga hari ng Juda hanggang sa araw na ito. At ang bilang ng mga araw na tumira si David sa lupain ng mga Filisteo ay isang taon at apat na buwan. Noon ay umahon si David at ang kanyang mga tauhan at sinalakay ang mga Gesureo, mga Gerzeo, at ang mga Amalekita; sapagkat sila ang mga dating mamamayan sa lupain, sa daang patungo sa Shur, hanggang sa lupain ng Ehipto. Sinalakay ni David ang lupain, at walang itinirang buhay kahit lalaki o babae man, at tinangay ang mga tupa, baka, asno, kamelyo, at ang mga kasuotan, at bumalik kay Achis. Kapag nagtanong si Achis, "Laban kanino kayo sumalakay ngayon?" ay sasabihin ni David, "Laban sa Negeb ng Juda," o "laban sa Negeb ng mga Jerameelita," o "laban sa Negeb ng mga Kineo." Walang iniligtas na buhay si David kahit lalaki o babae man, upang walang makapagbalita sa Gat, na sinasabi, "Baka sila'y magsumbong laban sa atin, na sabihin, 'Ganito't ganoon ang ginawa ni David,' " Palaging gayon ang kanyang ginagawa sa buong panahong siya'y nakatira sa lupain ng mga Filisteo. Nagtiwala si Achis kay David, na inaakalang, "Ginawa niya ang kanyang sarili na kasuklamsuklam sa bayang Israel kaya't siya'y magiging lingkod ko magpakailanman." Nang mga araw na iyon, tinipon ng mga Filisteo ang kanilang mga hukbong pandigma upang labanan ang Israel. At sinabi ni Achis kay David, "Tandaan mo na ikaw at ang iyong mga tauhan ay lalabas na kasama ko sa hukbo." Sinabi ni David kay Achis, "Napakabuti, malalaman mo kung anong magagawa ng iyong lingkod." At sinabi ni Achis kay David, "Napakabuti, gagawin kitang bantay ko habangbuhay." Si Samuel noon ay patay na, at tumangis ang buong Israel at inilibing siya sa Rama, na kanyang sariling lunsod. At pinalayas ni Saul mula sa lupain ang mga sumasangguni sa mga espiritu at ang mga mangkukulam. Nagtipun-tipon ang mga Filisteo, at dumating at humimpil sa Sunem. Tinipon ni Saul ang buong Israel at sila'y humimpil sa Gilboa. Nang makita ni Saul ang hukbo ng mga Filisteo, siya'y natakot at ang kanyang puso ay lubhang nanginig. Nang sumangguni si Saul sa PANGINOON, hindi siya sinagot ng PANGINOON, maging sa pamamagitan ng panaginip ni sa Urim, ni sa pamamagitan man ng mga propeta. Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kanyang mga lingkod, "Ihanap ninyo ako ng isang babae na sumasangguni sa mga espiritu, upang ako'y makapunta at makasangguni sa kanya." At sinabi sa kanya ng kanyang mga lingkod, "May isang babae sa Endor na sumasangguni sa mga espiritu." Kaya't nagbalatkayo si Saul, nagsuot ng ibang kasuotan at pumaroon, siya at ang dalawang lalaking kasama niya. Sila'y dumating sa babae nang kinagabihan. At kanyang sinabi, "Humula ka para sa akin sa pamamagitan ng espiritu, at iahon mo sa akin ang sinumang babanggitin ko sa iyo." Sinabi ng babae sa kanya, "Tiyak na nalalaman mo ang ginawa ni Saul, kung paanong kanyang nilipol ang mga sumasangguni sa mga espiritu at ang mga mangkukulam sa lupain. Bakit ka naglalagay ng bitag sa aking buhay upang ipapatay ako?" Ngunit sumumpa si Saul sa kanya sa pamamagitan ng PANGINOON, na sinasabi, "Habang buhay ang PANGINOON, walang parusang darating sa iyo dahil sa bagay na ito." Nang magkagayo'y sinabi ng babae, "Sinong iaahon ko para sa iyo?" At kanyang sinabi, "Iahon mo si Samuel para sa akin." Nang makita ng babae si Samuel, siya ay sumigaw nang malakas at sinabi ng babae kay Saul, "Bakit mo ako dinaya? Ikaw si Saul." Sinabi ng hari sa kanya, "Huwag kang matakot. Ano ang iyong nakikita?" At sinabi ng babae kay Saul, "Nakikita ko ang isang diyos na umaahon mula sa lupa." Sinabi niya sa kanya, "Ano ang kanyang anyo?" At sinabi niya, "Isang matandang lalaki ang lumilitaw, at siya'y nababalot ng isang balabal." At nakilala ni Saul na iyon ay si Samuel, at siya'y yumukod sa lupa at nagbigay galang. Sinabi ni Samuel kay Saul, "Bakit mo ako ginambala sa pagpapaahon sa akin?" At sumagot si Saul, "Ako'y labis na naguguluhan, sapagkat ang mga Filisteo ay nandirigma laban sa akin. Ang Diyos ay humiwalay na sa akin, at hindi na ako sinasagot, maging sa pamamagitan ng mga propeta, ni ng panaginip man; kaya tinawag kita upang sabihin mo sa akin kung ano ang aking gagawin." At sinabi ni Samuel, "Bakit ka pa nagtatanong sa akin, gayong ang PANGINOON ay humiwalay na sa iyo at naging kaaway mo na? Ginawa ng PANGINOON ang gaya ng sinabi niya sa pamamagitan ko; sapagkat inalis ng PANGINOON ang kaharian sa iyong kamay at ibinigay sa iyong kapwa Israelita na si David. Sapagkat hindi mo sinunod ang tinig ng PANGINOON, at hindi mo iginawad ang kanyang mabagsik na galit laban sa Amalek, kaya't ginawa ng PANGINOON ang bagay na ito sa iyo sa araw na ito. Bukod dito'y ibibigay ng PANGINOON ang Israel sa kamay ng mga Filisteo. Bukas, ikaw at ang iyong mga anak ay makakasama ko; ibibigay ng PANGINOON ang hukbo ng Israel sa kamay ng mga Filisteo." Pagkatapos ay biglang bumulagta si Saul sa lupa, at siya'y napuno ng takot, dahil sa mga salita ni Samuel. Nawalan siya ng lakas, sapagkat hindi siya kumain nang anuman buong araw at buong gabi. At lumapit ang babae kay Saul at nang makitang siya'y natatakot, ay sinabi sa kanya, "Narinig ng iyong lingkod ang iyong tinig, at aking inilagay ang aking buhay sa aking kamay, at aking pinakinggan ang iyong mga salita na sinabi mo sa akin. Kaya't ngayon ay makinig ka rin sa tinig ng iyong lingkod. Hayaan mong ipaghanda kita ng kaunting tinapay. Kumain ka, upang ikaw ay lumakas, kapag nagpatuloy ka sa iyong lakad." Ngunit siya'y tumanggi at nagsabi, "Hindi ako kakain." Ngunit hinimok siya ng kanyang mga lingkod pati ng babae, at pinakinggan niya ang kanilang tinig. Kaya't siya'y bumangon sa lupa at umupo sa higaan. Ang babae ay mayroong isang matabang guyang baka sa bahay. Dali-dali niyang pinatay ito, siya'y kumuha ng harina at kanyang minasa, at siya'y nagluto ng tinapay na walang pampaalsa. Ito ay kanyang dinala sa harap ni Saul at ng kanyang mga lingkod at sila'y kumain. Pagkatapos, sila'y tumindig at umalis nang gabing iyon. Samantala, tinipon ng mga Filisteo ang lahat nilang hukbo sa Afec at ang mga Israelita naman ay humimpil sa may bukal na nasa Jezreel. Habang ang mga daan-daan at libu-libong panginoon ng mga Filisteo ay nagdaraan, at si David at ang kanyang mga tauhan ay nagdaraan sa hulihan kasama ni Achis, ay sinabi ng mga pinuno ng mga Filisteo, "Ano ang ginagawa ng mga Hebreong ito?" At sumagot si Achis sa mga pinuno ng mga Filisteo, "Hindi ba ito ay si David, ang lingkod ni Saul na hari ng Israel na nakasama ko nang maraming araw at mga taon? Simula nang siya'y sumama sa akin ay wala akong natagpuang anumang pagkakamali sa kanya hanggang sa araw na ito." Ngunit ang mga pinuno ng mga Filisteo ay nagalit sa kanya; at sinabi ng mga pinuno ng mga Filisteo sa kanya, "Pabalikin mo ang taong iyan upang siya'y makabalik sa lugar na iyong pinaglagyan sa kanya. Hindi siya bababang kasama natin sa labanan, baka sa labanan ay maging kaaway natin siya. Sapagkat paanong makikipagkasundo ito sa kanyang panginoon? Hindi ba sa pamamagitan ng mga ulo ng mga taong ito? Hindi ba ito si David na sa kanya'y umaawit sila sa isa't isa na may pagsasayaw, 'Pinatay ni Saul ang kanyang libu-libo, At ni David ang kanyang laksa-laksa'?" Nang magkagayo'y tinawag ni Achis si David, at sinabi sa kanya, "Kung paanong buhay ang PANGINOON, ikaw ay naging tapat, at para sa akin ay matuwid lamang na ikaw ay makasama ko sa pagsalakay. Wala akong natagpuang kasamaan sa iyo mula sa araw ng iyong pagdating sa akin hanggang sa araw na ito. Gayunma'y hindi nalugod sa iyo ang mga panginoon. Kaya't bumalik ka na ngayon at umalis na payapa, upang huwag mong galitin ang mga panginoon ng mga Filisteo." Sinabi ni David kay Achis, "Ngunit anong aking ginawa? Anong natagpuan mo sa iyong lingkod mula ng araw na ako'y naglingkod sa iyo hanggang sa araw na ito, upang ako'y huwag sumama at lumaban sa mga kaaway ng aking panginoong hari?" At sumagot si Achis kay David, "Nalalaman ko na ikaw ay walang kapintasan sa aking paningin, na gaya ng isang anghel ng Diyos. Gayunma'y sinabi ng mga pinuno ng mga Filisteo, 'Hindi siya aahong kasama natin salabanan.' Kaya't maaga kang bumangon kinaumagahan na kasama ng mga lingkod ng iyong panginoon na pumaritong kasama mo; at maaga kayong kumilos sa kinaumagahan, at umalis agad sa pagliliwanag." Kaya't bumangong maaga si David at ang kanyang mga tauhan, upang umalis sa kinaumagahan pabalik sa lupain ng mga Filisteo. Subalit ang mga Filisteo ay umahon sa Jezreel. Nang si David at ang kanyang mga tauhan ay dumating sa Siclag nang ikatlong araw, ang mga Amalekita ay sumalakay sa Negeb at sa Siclag. Nagapi nila ang Siclag at sinunog ito ng apoy. Dinala nilang bihag ang mga babae at ang lahat ng naroroon, ang hamak at ang dakila. Hindi nila pinatay ang sinuman kundi kanilang dinala at nagpatuloy ng kanilang lakad. Nang si David at ang kanyang mga tauhan ay dumating sa bayan, natagpuan nila itong sunog ng apoy; at ang kanilang mga asawa, at mga anak na lalaki at babae ay dinalang-bihag. Kaya't si David at ang mga taong kasama niya ay sumigaw at umiyak hanggang sa sila'y maubusan ng lakas sa pag-iyak. Ang dalawang asawa ni David ay nabihag din, si Ahinoam na taga-Jezreel, at si Abigail, na balo ni Nabal, na taga-Carmel. Lubhang naguluhan si David sapagkat pinag-usapan ng mga tao na batuhin siya. Ang buong bayan ay masama ang kalooban, dahil sa kanya-kanyang mga anak na lalaki at babae. Ngunit pinalakas ni David ang kanyang sarili sa PANGINOON niyang Diyos. Sinabi ni David kay Abiatar na pari, na anak ni Ahimelec, "Dalhin mo rito sa akin ang efod." Kaya't dinala roon ni Abiatar ang efod kay David. At sumangguni si David sa PANGINOON, "Hahabulin ko ba ang pangkat na ito? Aabutan ko kaya sila?" At sinagot siya ng PANGINOON, "Habulin mo, sapagkat tiyak na aabutan mo at tiyak na maililigtas mo. Kaya't umalis si David at ang animnaraang lalaking kasama niya at sila'y dumating sa batis ng Besor na kinaroroonan ng mga naiwan sa likuran. Ngunit ipinagpatuloy ni David at ng apatnaraang lalaki ang paghabol. Naiwan ang dalawandaan sa hulihan na pagod na pagod upang tumawid sa batis ng Besor. Nakakita sila ng isang Ehipcio sa parang at kanilang dinala siya kay David. Kanilang binigyan siya ng tinapay na makakain at tubig na maiinom. Kanilang binigyan din siya ng isang pirasong tinapay na igos at dalawang buwig na ubas. Pagkatapos niyang kumain, ang kanyang diwa ay nagbalik sapagkat hindi siya kumain ng tinapay o uminom man ng tubig sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi. At sinabi ni David sa kanya, "Kanino ka kabilang? Tagasaan ka?" At sinabi niya, "Ako'y isang binatang Ehipcio, lingkod ng isang Amalekita. Iniwan ako ng aking panginoon sapagkat ako'y nagkasakit tatlong araw na ang nakalilipas. Kami ay sumalakay sa Negeb ng mga Kereteo, at sa mga pag-aari ng Juda, at sa Negeb ng Caleb; at aming sinunog ng apoy ang Siclag." Sinabi ni David sa kanya, "Sasamahan mo ba ako sa pangkat na ito?" At kanyang sinabi, "Sumumpa ka sa akin sa pamamagitan ng Diyos na hindi mo ako papatayin, o ibibigay man sa mga kamay ng aking panginoon, at ilulusong kita sa pangkat na ito." Nang kanyang mailusong siya, sila'y nakakalat na nagkakainan, nag-iinuman at nagsasayawan sa buong lupain dahil sa napakaraming samsam na kanilang nakuha sa lupain ng mga Filisteo at Juda. At sinalakay sila ni David mula sa takipsilim hanggang sa paglubog ng araw nang sumunod na araw. Walang taong nakatakas sa kanila liban sa apatnaraang katao na nakasakay sa mga kamelyo. Binawi ni David ang lahat ng nakuha ng mga Amalekita, at iniligtas ni David ang kanyang dalawang asawa. Walang nawawala, kahit hamak o dakila man, kahit mga anak na lalaki o babae man, kahit samsam man, kahit anumang bagay na nakuha nila sa kanila; ibinalik na lahat ni David. Kinuha rin ni David ang lahat ng kawan at bakahan at dinala nang una sa ibang mga hayop. Sinasabi ng mga tao, "Ito'y samsam ni David." At dumating si David sa dalawandaang lalaki na pagod na pagod upang makasunod kay David, na naiwan sa batis ng Besor. Sila'y lumabas upang salubungin si David at ang mga taong kasama niya. Nang mapalapit si David sa taong-bayan, siya'y nagpugay sa kanila. Nang magkagayo'y sumagot ang lahat ng masasamang tao, at mga taong mababang uri na lumabang kasama ni David, "Sapagkat hindi sila lumabang kasama namin, hindi namin sila bibigyan ng samsam na aming nabawi, maliban sa bawat lalaki na makukuha niya ang kanyang asawa at ang kanyang mga anak at umalis." Ngunit sinabi ni David, "Mga kapatid ko, huwag ninyong gagawin ang gayon sa ibinigay sa atin ng PANGINOON. Kanyang iningatan tayo at ibinigay sa ating kamay ang pulutong na dumating laban sa atin. Sino ang makikinig sa inyo sa bagay na ito? Sapagkat kung gaano ang bahagi ng lumusong sa labanan ay gayundin ang bahagi ng naiwan sa dala-dalahan. Sila'y magkakaroon ng pare-parehong bahagi." Mula noon, ginawa niya iyon na isang tuntunin at batas para sa Israel hanggang sa araw na ito. Nang dumating si David sa Siclag, siya'y nagpadala ng bahagi ng mga samsam sa kanyang mga kaibigan, ang matatanda ng Juda, na sinasabi, "Narito ang isang kaloob sa inyo mula sa samsam ng mga kaaway ng PANGINOON;" iyon ay para sa Bethel, sa Ramot ng Negeb, sa nasa Jatir; sa Aroer, sa Sifmot, sa Estemoa; sa Radial, sa mga lunsod ng mga Jerameelita, sa mga lunsod ng mga Kineo; sa Horma, sa Chorasan, sa Atach; sa Hebron, at sa lahat ng dako na karaniwang pinupuntahan ni David at ng kanyang mga tauhan. Ang mga Filisteo ay lumaban sa Israel at ang mga kalalakihan ng Israel ay tumakas sa harap ng mga Filisteo, at patay na nabuwal sa bundok ng Gilboa. Inabutan ng mga Filisteo si Saul at ang kanyang mga anak at pinatay nila sina Jonathan, Abinadab, at Malkishua, na mga anak ni Saul. At ang labanan ay naging mabigat para kay Saul, at inabutan siya ng mga mamamana; at siya'y malubhang sinugatan ng mga mamamana. Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kanyang tagadala ng sandata, "Bunutin mo ang iyong tabak at saksakin mo ako niyon; baka dumating ang mga hindi tuling ito at ako'y saksakin, at ako'y kanilang paglaruan." Ngunit tumanggi ang kanyang tagadala ng sandata sapagkat siya'y takot na takot. Kaya't kinuha ni Saul ang kanyang tabak, at ibinuwal ang sarili doon. Nang makita ng kanyang tagadala ng sandata na si Saul ay patay na, ibinuwal rin niya ang kanyang sarili sa kanyang tabak at nagpakamatay na kasama niya. Gayon namatay si Saul kasama ng kanyang tatlong anak, ang kanyang tagadala ng sandata, at ang lahat niyang mga tauhan nang araw na iyon na magkakasama. Nang makita ng mga kalalakihan ng Israel na nasa kabilang dako ng libis at ng mga nasa kabila ng Jordan, na ang mga kalalakihan ng Israel ay tumakas, at si Saul at ang kanyang mga anak ay patay na, kanilang iniwan ang kanilang mga lunsod at tumakas; at dumating ang mga Filisteo at nanirahan sa mga iyon. Kinabukasan, nang ang mga Filisteo ay dumating upang hubaran ang mga patay, natagpuan nila si Saul at ang kanyang tatlong anak na nabuwal sa bundok ng Gilboa. Kanilang pinugot ang kanyang ulo at hinubad ang kanyang mga baluti, at nagpadala ng mga sugo sa buong lupain ng mga Filisteo upang dalhin ang mabuting balita sa kanilang mga diyus-diyosan at sa mga tao. Kanilang inilagay ang kanyang baluti sa templo ni Astarte; at kanilang ipinako ang bangkay niya sa pader ng Bet-shan. Ngunit nang mabalitaan ng mga naninirahan sa Jabes-gilead ang tungkol sa ginawa ng mga Filisteo kay Saul, lahat ng matatapang na lalaki ay tumayo at nagsilakad sa buong gabi at kinuha ang bangkay ni Saul at ang kanyang mga anak sa pader ng Bet-shan; at sila'y pumunta sa Jabes at kanilang sinunog doon. Kanilang kinuha ang kanilang mga buto at ibinaon sa ilalim ng isang puno ng tamarisko sa Jabes, at nag-ayuno sila ng pitong araw. Pagkamatay ni Saul, nang bumalik na si David mula sa pagpatay sa mga Amalekita, nanatili si David ng dalawang araw sa Sidag. At nangyari, nang ikatlong araw na, may isang lalaking lumabas sa kampo mula kay Saul na punit ang damit at may lupa sa kanyang ulo. Kaya nga nang dumating siya kay David, siya ay nagpatirapa sa lupa at nagbigay-galang. Sinabi ni David sa kanya, "Saan ka nanggaling?" At kanyang sinabi sa kanya, "Nakatakas ako mula sa kampo ng Israel." Sinabi ni David sa kanya, "Ano ang nangyari? Sabihin mo sa akin." At siya'y sumagot, "Ang taong-bayan ay tumakas sa labanan, at marami sa mga tao ay nabuwal at namatay, si Saul at si Jonathan na kanyang anak ay patay na rin." At sinabi ni David sa binatang nagbalita sa kanya, "Paano mo nalaman na si Saul at si Jonathan na kanyang anak ay patay na?" Sinabi ng binatang nagbalita sa kanya, "Nagkataong ako ay nasa bundok ng Gilboa at naroroon si Saul na nakasubsob sa kanyang sibat samantalang papalapit sa kanya ang mga karwahe at mga mangangabayo. Nang siya'y lumingon, nakita niya ako. Tinawag niya ako, at ako'y sumagot, 'Narito ako.' Sinabi niya sa akin, 'Sino ka?' Ako'y sumagot sa kanya, Ako'y isang Amalekita.' At sinabi niya sa akin, 'Tumayo ka sa tabi ko, ipinapakiusap ko sa iyo, at patayin mo ako, dahil hirap na hirap na ako, ngunit ako'y buhay pa.' Kaya't tumayo ako sa tabi niya at pinatay ko siya, sapagkat nakakatiyak ako na siya'y hindi mabubuhay pagkatapos na siya'y nabuwal. At kinuha ko ang korona na nasa kanyang ulo at ang pulseras na nasa kanyang kamay, at dinala ko rito sa aking panginoon." Nang magkagayo'y hinawakan ni David ang kanyang kasuotan at pinunit iyon; gayundin ang ginawa ng lahat ng mga lalaking kasama niya. Sila'y nagluksa, umiyak, at nag-ayuno hanggang sa paglubog ng araw dahil kay Saul at kay Jonathan na kanyang anak, dahil sa bayan ng PANGINOON, at sa sambahayan ng Israel, sapagkat sila'y namatay sa pamamagitan ng tabak. Sinabi ni David sa binatang nagbalita sa kanya, "Tagasaan ka?" At siya'y sumagot, 'Ako'y anak ng isang dayuhan, isang Amalekita." Sinabi ni David sa kanya, "Bakit hindi ka natakot na magbuhat ng iyong kamay upang patayin ang hinirang ng PANGINOON?" At tinawag ni David ang isa sa mga kabataan at sinabi, "Pumarito ka at patayin mo siya." At kanyang tinaga siya na kanyang ikinamatay. Sinabi ni David sa kanya, 'Ang iyong dugo ay mapasaiyong ulo sapagkat ang iyong bibig ang sumaksi laban sa iyo, na nagsasabi, Aking pinatay ang hinirang ng PANGINOON.' " Tinangisan ni David ng ganitong panaghoy si Saul at si Jonathan na kanyang anak, at sinabi niyang ito ay dapat ituro sa mga mamamayan ng Juda; nasusulat sa Aklat ni Jaser. Sinabi niya: "Ang iyong kaluwalhatian, O Israel ay pinatay sa iyong matataas na dako! Paano nabuwal ang magigiting! Huwag ninyong sabihin sa Gat, huwag ninyong ibalita sa mga lansangan ng Ascalon; baka ang mga anak na babae ng mga Filisteo ay magalak, baka ang mga anak na babae ng mga di-tuli ay magsaya. "Kayong mga bundok ng Gilboa, huwag magkaroon ng hamog, o ulan sa inyo, kahit masasaganang bukid, sapagkat doon ang kalasag ng magiting ay narumihan, ang kalasag ni Saul na hindi binuhusan ng langis. "Mula sa dugo ng pinatay, mula sa taba ng magiting, ang busog ni Jonathan ay hindi umurong, ang tabak ni Saul ay hindi bumalik nang walang laman. "Sina Saul at Jonathan, minamahal at kaibig-ibig! Sa buhay at sa kamatayan ay hindi sila nagkahiwalay; sila'y higit na maliliksi kaysa mga agila, sila'y higit na malalakas kaysa mga leon. "Kayong mga anak na babae ng Israel, iyakan ninyo si Saul, na sa inyo'y nagbihis ng matingkad na pula, na siyang naglagay ng palamuting ginto sa inyong mga kasuotan. "Paano nabuwal ang magigiting sa gitna ng labanan! "Si Jonathan ay patay na nakabulagta sa iyong matataas na dako. Ako'y namamanglaw dahil sa iyo, kapatid kong Jonathan; ikaw ay naging kalugud-lugod sa akin; ang iyong pagmamahal sa akin ay kahanga-hanga, higit pa sa pagmamahal ng mga babae. Paano nabuwal ang magigiting, at nasira ang mga sandatang pandigma!" Pagkatapos nito, sumangguni si David sa PANGINOON, "Pupunta ba ako sa alinman sa mga lunsod ng Juda?" At sinabi ng PANGINOON sa kanya, "Pumunta ka." At sinabi ni David, "Saan ako pupunta?" At kanyang sinabi, "Sa Hebron." Kaya't pumunta roon si David, at pati ang kanyang dalawang asawa, si Ahinoam na taga-Jezreel, at si Abigail na balo ni Nabal, na taga-Carmel. Iniahon ni David ang kanyang mga tauhang kasama niya, bawat isa'y kasama ang kanyang sambahayan; at sila'y nanirahan sa mga bayan ng Hebron. Dumating ang mga lalaki ng Juda, at kanilang binuhusan ng langis si David upang maging hari sa sambahayan ng Juda. Nang kanilang sabihin kay David, "Ang mga lalaki sa Jabes-gilead ang siyang naglibing kay Saul," nagpadala ng mga sugo si David sa mga lalaki sa Jabes-gilead, at sinabi sa kanila, "Pagpalain nawa kayo ng PANGINOON, sapagkat kayo'y nagpakita ng ganitong katapatan kay Saul na inyong panginoon, at inyong inilibing siya! Ngayon nawa'y pagpakitaan kayo ng PANGINOON ng wagas na pag-ibig at katapatan! Gagawan ko naman kayo ng mabuti sapagkat ginawa ninyo ang bagay na ito. Ngayon nga, lumakas nawa ang inyong mga kamay, at kayo nawa'y maging matatapang, sapagkat patay na si Saul na inyong panginoon, at ako'y binuhusan ng langis ng sambahayan ni Juda upang maging hari sa kanila." Samantala, kinuha ni Abner na anak ni Ner, na pinuno sa hukbo ni Saul, si Isboset na anak ni Saul, at dinala sa Mahanaim; at kanyang ginawa siyang hari sa Gilead, sa mga Asureo, sa Jezreel, sa Efraim, sa Benjamin, at sa buong Israel. Si Isboset na anak ni Saul ay apatnapung taong gulang nang siya'y magpasimulang maghari sa Israel, at siya'y naghari sa loob ng dalawang taon. Ngunit ang sambahayan ni Juda ay sumunod kay David. Si David ay naghari sa Hebron sa sambahayan ni Juda ng pitong taon at anim na buwan. Si Abner na anak ni Ner, at ang mga lingkod ni Isboset na anak ni Saul ay pumunta sa Gibeon mula sa Mahanaim. At si Joab na anak ni Zeruia, at ang mga lingkod ni David ay lumabas at sinalubong sila sa tabi ng tipunan ng tubig sa Gibeon; at sila'y umupo, na ang isa'y sa isang dako ng tipunan ng tubig, at ang isa'y sa kabilang dako ng tipunan ng tubig. Sinabi ni Abner kay Joab, "Patayuin mo ang mga kabataan at magpaligsahan sa harap natin." At sinabi ni Joab, "Hayaan silang tumayo." Kaya't sila'y tumindig at tumawid ayon sa bilang; labindalawa para kina Benjamin at Isboset na anak ni Saul, at labindalawa sa mga lingkod ni David. At hinawakan ng bawat isa sa kanila ang ulo ng kanyang kaaway, at ibinaon ang kanyang tabak sa tagiliran ng kanyang kaaway; kaya't sama-sama silang nabuwal. Kaya't ang lugar na iyon ay tinatawag na Helcatasurim na nasa Gibeon. At ang labanan ay naging matindi nang araw na iyon. Si Abner at ang mga lalaki ng Israel ay natalo sa harap ng mga lingkod ni David. At naroon ang tatlong anak ni Zeruia, sina Joab, Abisai at Asahel. Si Asahel ay matulin ang paa na gaya ng mailap na usa; at hinabol ni Asahel si Abner at sa kanyang pagtakbo, siya'y hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa man sa pagsunod kay Abner. Nang magkagayo'y lumingon si Abner, at sinabi, "Ikaw ba'y si Asahel?" At siya'y sumagot: 'Ako nga." Sinabi ni Abner sa kanya, "Lumiko ka sa iyong kanan o sa iyong kaliwa, at hulihin mo ang isa sa mga kabataan, at kunin mo ang kanyang samsam." Ngunit ayaw ni Asahel na humiwalay sa pagsunod sa kanya. At muling sinabi ni Abner kay Asahel, "Huminto ka sa pagsunod sa akin. Bakit ba kita ibubulagta sa lupa? Paano ko nga maitataas ang aking mukha kay Joab na iyong kapatid?" Ngunit tumanggi siyang lumihis kaya't inulos siya ni Abner sa tiyan sa pamamagitan ng dulo ng sibat, at ang sibat ay naglagos sa likod niya. Siya'y nabuwal at namatay sa kanyang kinaroroonan. Lahat nang dumating sa lugar na kinabuwalan at kinamatayan ni Asahel ay napahinto. Ngunit tinugis nina Joab at Abisai si Abner; at nang ang araw ay papalubog na sila'y dumating sa burol ng Ama, na nasa harap ng Gia sa tabi ng daan patungo sa ilang ng Gibeon. Ang mga anak ng Benjamin ay nagkatipon sa likuran ni Abner, at naging isang pulutong, at tumayo sa tuktok ng isang burol. Nang magkagayo'y tinawag ni Abner si Joab, at sinabi, "Mananakmal ba ang tabak magpakailanman? Nalalaman mo ba na ang katapusan ay magiging mapait? Hanggang kailan nga bago mo sasawayin ang bayan mula sa pagtugis sa kanilang mga kapatid?" At sinabi ni Joab, "Buhay ang Diyos, kung hindi mo sana sinabi, tiyak na inihinto ng mga lalaki ang paghabol sa kanilang mga kapatid hanggang sa kinaumagahan." Kaya't hinipan ni Joab ang trumpeta, at ang buong bayan ay tumigil at hindi na tinugis ang Israel, o sila man ay naglaban pa. Si Abner at ang kanyang mga tauhan ay magdamag na dumaan sa Araba; at sila'y tumawid ng Jordan, at naglakad sa buong maghapon, at dumating sa Mahanaim. Bumalik si Joab mula sa pagtugis kay Abner; at nang kanyang matipon ang buong bayan, may nawawala sa mga lingkod ni David na labinsiyam na lalaki bukod pa kay Asahel. Ngunit ang napatay ng mga lingkod ni David sa Benjamin ay tatlong daan at animnapung lalaking mga tauhan ni Abner. At kanilang kinuha si Asahel at inilibing siya sa libingan ng kanyang ama na nasa Bethlehem. Si Joab at ang kanyang mga tauhan ay magdamag na lumakad; dumating sila sa Hebron kinaumagahan. Nagkaroon ng matagal na paglalaban ang sambahayan ni Saul at ang sambahayan ni David; si David ay lumakas nang lumakas, samantalang ang sambahayan ni Saul ay humina nang humina. Nagkaroon ng mga anak na lalaki si David sa Hebron: ang kanyang panganay ay si Amnon kay Ahinoam na taga-Jezreel. Ang kanyang pangalawa ay si Chileab, kay Abigail na balo ni Nabal na taga-Carmel; at ang ikatlo ay si Absalom na anak ni Maaca na anak ni Talmai na hari sa Geshur. Ang ikaapat ay si Adonias na anak ni Hagit; at ang ikalima ay si Shefatias na anak ni Abital. Ang ikaanim ay si Itream kay Egla, na asawa ni David. Ang mga ito'y ipinanganak kay David sa Hebron. Samantalang may digmaan sa pagitan ng sambahayan ni Saul at ng sambahayan ni David, pinalakas ni Abner ang kanyang sarili sa sambahayan ni Saul. Si Saul ay may asawang-lingkod na ang pangalan ay Rispa, na anak ni Aya. Sinabi ni Isboset kay Abner, "Bakit ka sumiping sa asawang-lingkod ng aking ama?" Kaya't galit na galit si Abner dahil sa mga salita ni Isboset, at sinabi, "Ako ba'y isang ulo ng aso ng Juda? Sa araw na ito ay patuloy akong nagpapakita ng katapatan sa sambahayan ni Saul na iyong ama, sa kanyang mga kapatid, at sa kanyang mga kaibigan, at hindi ka ibinigay sa kamay ni David. Gayunma'y pinagbibintangan mo ako sa araw na ito ng isang kasalanan tungkol sa isang babae. Gawin ng Diyos kay Abner, at lalo na, kung hindi ko gawin para kay David ang isinumpa ng PANGINOON sa kanya, na ilipat ang kaharian mula sa sambahayan ni Saul, at itayo ang trono ni David sa Israel at Juda, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba." At hindi nakasagot si Isbosete kay Abner ng isang salita, sapagkat siya'y natakot sa kanya. Si Abner ay nagpadala ng mga sugo kay David sa kanyang kinaroroonan, na sinasabi, "Kanino nauukol ang lupain? Makipagtipan ka sa akin, at ang aking kamay ay sasaiyo upang dalhin sa iyo ang buong Israel." Kanyang sinabi, "Mabuti; ako'y makikipagtipan sa iyo. Ngunit isang bagay ang hinihiling ko sa iyo: hindi mo ako makikita malibang dalhin mo muna si Mical na anak na babae ni Saul pagparito mo upang ako'y iyong makita." Nagpadala ng mga sugo si David kay Isboset na anak ni Saul, na sinasabi, "Ibigay mo sa akin ang aking asawang si Mical, na siyang aking pinakasalan sa halagang isandaang balat na pinagtulian ng mga Filisteo." Nagsugo si Isboset, at kinuha si Mical sa kanyang asawang si Paltiel na anak ni Lais. Subalit ang kanyang asawa'y sumama sa kanya na umiiyak na kasunod niya sa daan hanggang sa Bahurim. Pagkatapos ay sinabi ni Abner sa kanya, "Umuwi ka!" Kaya't siya'y umuwi. Nakipag-usap si Abner sa matatanda sa Israel, na sinasabi, "Sa panahong nakaraan ay inyong hinangad na si David ay maging hari sa inyo. Ngayon ay inyong isakatuparan ito, sapagkat ipinangako ng PANGINOON kay David, na sinasabi, 'Sa pamamagitan ng kamay ng aking lingkod na si David ay aking ililigtas ang aking bayang Israel sa kamay ng mga Filisteo at ng lahat nilang mga kaaway.'" Nakipag-usap din si Abner sa Benjamin. At si Abner ay pumunta upang sabihin kay David sa Hebron ang lahat ng inaakalang mabuti ng Israel at ng buong sambahayan ni Benjamin. Nang dumating si Abner kay David sa Hebron kasama ang dalawampung lalaki, nagdaos ng kasayahan si David para kay Abner at sa mga lalaking kasama niya. Sinabi ni Abner kay David, "Ako'y aalis at aking titipunin ang buong Israel sa aking panginoong hari, upang sila'y makipagtipan sa iyo, at upang ikaw ay maghari sa lahat ng ninanasa ng iyong puso." At pinaalis ni David si Abner, at siya'y umalis na payapa. Pagkatapos noon ay dumating ang mga lingkod ni David kasama si Joab mula sa isang pagsalakay, na may dalang maraming samsam. Ngunit si Abner ay hindi kasama ni David sa Hebron, sapagkat siya'y pinaalis niya, at siya'y umalis na payapa. Nang si Joab at ang buong hukbo na kasama niya ay dumating, sinabi kay Joab, "Si Abner na anak ni Ner ay pumunta sa hari, at siya'y pinahayo at siya'y humayong payapa." Nang magkagayo'y pumunta si Joab sa hari, at sinabi,' Ano ang iyong ginawa? Si Abner ay pumarito sa iyo; bakit mo siya pinaalis, kaya't siya'y umalis? Nalalaman mong si Abner na anak ni Ner ay pumarito upang dayain ka at upang malaman ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok, at upang malaman ang lahat ng iyong ginagawa." Nang lumabas si Joab mula sa harapan ni David, siya'y nagpadala ng mga sugo upang sundan si Abner, at kanilang ibinalik siya mula sa balon ng Sira, ngunit ito'y hindi nalalaman ni David. Nang bumalik si Abner sa Hebron, siya ay dinala ni Joab sa isang tabi ng pintuang-bayan upang makipag-usap sa kanya ng sarilinan, at doon ay kanyang sinaksak siya sa tiyan. Kaya't siya'y namatay para sa dugo ni Asahel na kanyang kapatid. Pagkatapos, nang mabalitaan ito ni David ay kanyang sinabi, "Ako at ang aking kaharian ay walang sala magpakailanman sa harap ng PANGINOON para sa dugo ni Abner na anak ni Ner. Nawa'y bumagsak ito sa ulo ni Joab, at sa buong sambahayan ng kanyang ama. Nawa'y huwag mawalan sa sambahayan ni Joab ng isang dinudugo, o ng ketongin, o may pantahi, o napapatay sa pamamagitan ng tabak, o ng kinukulang ng tinapay!" Gayon pinatay si Abner ni Joab at ni Abisai na kanyang kapatid, sapagkat pinatay niya ang kanilang kapatid na si Asahel sa labanan sa Gibeon. Sinabi ni David kay Joab at sa lahat ng taong kasama niya, "Punitin i ninyo ang inyong mga suot, at magbigkis kayo ng damit-sako, at magluksa kayo sa harap ni Abner." At si Haring David ay sumunod sa kabaong. Kanilang inilibing si Abner sa Hebron, at inilakas ng hari ang kanyang tinig, at umiyak sa libingan ni Abner; at ang buong bayan ay umiyak. Tinangisan ng hari si Abner na sinasabi, "Dapat bang mamatay si Abner, na gaya ng pagkamatay ng isang hangal? Ang iyong mga kamay ay hindi natalian, ang iyong mga paa ay hindi nakagapos; kung paanong nabubuwal ang isang lalaki sa harap ng mas ama ay gayon ka nabuwal," At iniyakan siyang muli ng buong bayan. Ang buong bayan ay dumating upang himukin si David na kumain ng tinapay samantalang araw pa; ngunit sumumpa si David, na sinasabi, "Gawin sa akin ng Diyos, at higit pa, kung ako'y tumikim ng tinapay o ng anumang bagay hanggang sa lumubog ang araw!" Iyon ay napansin ng buong bayan, at ikinalugod nila; gaya ng anumang ginagawa ng hari ay nakakalugod sa buong bayan. Kaya't naunawaan ng buong bayan at ng buong Israel nang araw na iyon na hindi kalooban ng hari na patayin si Abner na anak ni Ner. At sinabi ng hari sa kanyang mga lingkod, "Hindi ba ninyo nalalaman na may isang pinuno at isang dakilang tao ang nabuwal sa araw na ito sa Israel? Ako ngayon ay walang kapangyarihan, kahit na hinirang na hari; at ang mga lalaking ito na mga anak ni Zeruia ay napakarahas para sa akin. Gantihan nawa ng PANGINOON ang gumagawa ng kasamaan ayon sa kanyang kasamaan!" Nang mabalitaan ni Isboset, na anak ni Saul, na si Abner ay namatay sa Hebron, ang kanyang mga kamay ay nanghina, at ang lahat ng Israel ay nangamba. Ang anak ni Saul ay may dalawang lalaki na mga punong kawal ng mga pulutong na sumasalakay; ang pangalan ng isa ay Baana, at ang pangalan ng ikalawa ay Recab. Sila ay mga anak ni Rimon na Beerotita sa mga anak ni Benjamin (sapagkat ang Beerot ay ibinilang din sa Benjamin: Ang mga Beerotita ay tumakas sa Gitaim, at nanirahan doon bilang mga banyaga hanggang sa araw na ito). Si Jonathan na anak ni Saul ay may isang anak na pilay ang mga paa. Siya'y limang taong gulang nang dumating ang balita tungkol kina Saul at Jonathan mula sa Jezreel. Kinuha siya ng kanyang yaya at tumakas at habang siya'y nagmamadali sa pagtakas, siya'y nahulog, at napilay. At ang kanyang pangalan ay Mefiboset. At ang mga anak ni Rimon na Beerotita, na sina Recab at Baana, ay humayo at nang kainitan ang araw ay dumating sa bahay ni Isboset, habang siya ay nagpapahinga sa katanghaliang-tapat. Sila ay pumasok sa bahay na parang kukuha ng trigo, at kanilang sinaksak siya sa tiyan. At sina Recab at Baana na kanyang kapatid ay tumakas. Sila ay nakapasok sa bahay, habang siya'y nakahiga sa kanyang higaan sa kanyang silid. Kanilang sinalakay siya, pinatay, at pinugutan ng ulo. Kinuha nila ang kanyang ulo at umalis na tinahak ang Araba buong gabi. Kanilang dinala ang ulo ni Isboset kay David sa Hebron. Sinabi nila sa hari, "Narito ang ulo ni Isboset na anak ni Saul na iyong kaaway na nagtangka sa iyong buhay. Ipinaghiganti ng PANGINOON ang aking panginoong hari sa araw na ito kay Saul, at sa kanyang binhi." Sinagot ni David si Recab at si Baana na kanyang kapatid, na mga anak ni Rimon na Beerotita, "Habang buhay ang PANGINOON na siyang tumubos ng aking buhay mula sa bawat kaguluhan, nang sabihin sa akin ng isang tao, 'Tingnan mo, si Saul ay patay na,' na nag-aakalang nagdadala siya ng magandang balita, ay aking hinuli siya, at pinatay ko siya sa Siclag na siyang gantimpalang ibinigay ko sa kanya dahil sa kanyang balita. Gaano pa kaya kung pinatay ng masasamang lalaki ang isang taong matuwid sa kanyang sariling bahay sa kanyang higaan, hindi ko ba hihingin ngayon ang kanyang dugo sa inyong kamay, at puksain kayo sa lupa?" Inutusan ni David ang kanyang mga kabataang tauhan, at kanilang pinatay sila, pinutol ang kanilang mga kamay at mga paa, at ibinitin ang mga iyon sa tabi ng tipunan ng tubig sa Hebron. Ngunit kanilang kinuha ang ulo ni Isboset, at inilibing sa libingan ni Abner sa Hebron. Pagkatapos ay pumaroon ang lahat ng mga lipi ng Israel kay David sa Hebron, na nagsasabi, "Kami ay iyong buto at laman. Sa nakaraang panahon, nang si Saul ay hari sa amin, ikaw ang nangunguna at nagdadala sa Israel. Sinabi ng PANGINOON sa iyo, 'Ikaw ay magiging pastol ng aking bayang Israel at ikaw ay magiging pinuno sa Israel.'" Kaya't pumunta ang lahat ng matatanda sa Israel sa hari na nasa Hebron; at si Haring David ay nakipagtipan sa kanila sa Hebron sa harap ng PANGINOON at kanilang binuhusan ng langis si David bilang hari sa Israel. Si David ay tatlumpung taong gulang nang siya'y magsimulang maghari, at siya'y nagharing apatnapung taon. Sa Hebron ay naghari siya sa Juda ng pitong taon at anim na buwan; at sa Jerusalem ay naghari siya ng tatlumpu't tatlong taon sa buong Israel at Juda. Ang hari at ang kanyang mga tauhan ay pumunta sa Jerusalem laban sa mga Jebuseo na naninirahan sa lupain, na nagsabi kay David, "Hindi ka makakapasok dito, kundi ang mga bulag at pilay ang hahadlang sa iyo," na iniisip, "Si David ay hindi makakapasok dito." Gayunma'y sinakop ni David ang kuta ng Zion na siyang lunsod ni David. Sinabi ni David nang araw na iyon, "Sinumang sumalakay sa mga Jebuseo ay umakyat siya sa inaagusan ng tubig upang salakayin ang pilay at ang bulag, na kinapopootan ng kaluluwa ni David." Kaya't kanilang sinasabi, "Ang mga bulag at pilay ay hindi makakapasok sa bahay." Nanirahan si David sa kuta at tinawag itong lunsod ni David. At itinayo ni David ang lunsod sa palibot mula sa Milo hanggang sa loob. Si David ay dumakila ng dumakila, sapagkat ang PANGINOON, ang Diyos ng mga hukbo ay kasama niya. Si Hiram na hari sa Tiro ay nagpadala kay David ng mga sugo, ng mga puno ng sedro, mga karpintero, at mga kantero at ipinagtayo ng bahay si David. Nabatid ni David na itinalaga siya ng PANGINOON bilang hari ng Israel, at kanyang itinaas ang kanyang kaharian alang-alang sa kanyang bayang Israel. Kumuha pa si David ng mga asawang-lingkod at mga asawa sa Jerusalem, pagkagaling niya sa Hebron; at may mga ipinanganak pang mga lalaki at babae kay David. Ito ang mga pangalan ng mga ipinanganak sa kanya sa Jerusalem; sina Samua, Sobab, Natan, Solomon, Ibhar, Elisua; Nefeg, Jafia; Elisama, Eliada, at si Elifelet. Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ay itinalagang hari sa Israel, ang lahat ng Filisteo ay umahon upang hanapin si David; ngunit ito ay nabalitaan ni David at siya'y pumunta sa kuta. Ang mga Filisteo ay dumating at kumalat sa libis ng Refaim. Sumangguni si David sa PANGINOON, "Aahon ba ako laban sa mga Filisteo? Ibibigay mo ba sila sa aking kamay?" Sinabi ng PANGINOON kay David, "Umahon ka sapagkat tunay na aking ibibigay ang mga Filisteo sa iyong kamay." Dumating si David sa Baal-perazim at sila'y ginapi doon ni David. Kanyang sinabi, "Winasak ng PANGINOON ang aking mga kaaway sa harap ko, gaya ng umaapaw na baha." Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Baal-perazim. Doon ay iniwan ng mga Filisteo ang kanilang mga diyus-diyosan, at tinangay ni David at ng kanyang mga tauhan ang mga iyon. Muling umahon ang mga Filisteo, at kumalat sa libis ng Refaim. Nang sumangguni si David sa PANGINOON ay kanyang sinabi, "Huwag kang aahon; liligid ka sa likuran nila, at ikaw ay sasalakay sa kanila sa tapat ng mga puno ng balsamo. Kapag iyong narinig ang yabag ng lakad sa mga dulo ng mga puno ng balsamo, lumusob ka agad sapagkat lumabas na ang PANGINOON sa harap mo upang lupigin ang hukbo ng mga Filisteo." Gayon ang ginawa ni David gaya ng iniutos ng PANGINOON sa kanya; at tinalo niya ang mga Filisteo mula sa Geba hanggang sa dumating sa Gezer. Muling tinipon ni David ang lahat ng piling lalaki sa Israel na tatlumpung libo. Si David at ang buong bayang kasama niya ay umalis mula sa Baale-juda upang iahon mula roon ang kaban ng Diyos, na tinatawag sa pangalan ng PANGINOON ng mga hukbo na nakaupo sa mga kerubin. Kanilang inilagay ang kaban ng Diyos sa isang bagong karwahe, at kanilang inilabas sa bahay ni Abinadab na nasa burol. Sina Uzah at Ahio, na mga anak ni Abinadab, ang siyang nagpatakbo ng bagong karwahe, na kinaroroonan ng kaban ng Diyos, at si Ahio ay nauna sa kaban. Si David at ang buong sambahayan ni Israel ay nagsasaya sa harap ng PANGINOON ng kanilang buong lakas, na may mga awitan, mga alpa, mga salterio, mga pandereta, mga kastaneta, at ng mga pompiyang. Nang sila'y dumating sa giikan ni Nacon, iniunat ni Uzah ang kanyang kamay sa kaban ng Diyos, at hinawakan ito sapagkat ang mga baka ay natalisod. Ang galit ng PANGINOON ay nagningas laban kay Uzah; at pinatay siya roon ng Diyos sapagkat humawak siya sa kaban. Namatay siya doon sa tabi ng kaban ng Diyos. Nagalit si David sapagkat pinarusahan ng PANGINOON si Uzah; at ang lugar na iyon ay tinawag na Perez-uza hanggang sa araw na ito. Kaya't natakot si David sa PANGINOON sa araw na iyon, at kanyang sinabi, "Paanong madadala rito sa akin ang kaban ng PANGINOON?" Kaya't hindi nais ni David na dalhin ang kaban ng PANGINOON sa lunsod ni David, kundi dinala ito ni David sa bahay ni Obed-edom na Geteo. Ang kaban ng PANGINOON ay nanatili sa bahay ni Obed-edom na Geteo ng tatlong buwan; at pinagpala ng PANGINOON si Obed-edom, at ang kanyang buong sambahayan. Sinabi sa Haring David, "Pinagpala ng PANGINOON ang sambahayan ni Obed-edom, at ang lahat ng nauukol para sa kanya, dahil sa kaban ng Diyos." Humayo si David at iniahon ang kaban ng Diyos mula sa bahay ni Obed-edom patungo sa lunsod ni David na may kagalakan. Nang ang mga nagdadala ng kaban ng PANGINOON ay makalakad ng anim na hakbang, siya'y naghandog ng isang dumalagang baka at isang pinatabang baka. Nagsayaw si David ng kanyang buong lakas sa harap ng PANGINOON; at si David ay may bigkis ng isang efod na lino. Sa gayo'y iniahon ni David at ng buong sambahayan ng Israel ang kaban ng PANGINOON na may sigawan at may tunog ng tambuli. Sa pagdating ng kaban ng PANGINOON sa lunsod ni David, si Mical na anak ni Saul ay dumungaw sa bintana, at nakita si Haring David na naglululukso at nagsasayaw sa harap ng PANGINOON; at kanyang hinamak siya sa kanyang puso. Kanilang ipinasok ang kaban ng PANGINOON, at inilagay sa kanyang lugar, sa loob ng tolda na itinayo ni David. Naghandog si David ng mga handog na sinusunog at mga handog pangkapayapaan sa harap ng PANGINOON. Nang makatapos si David sa paghahandog ng mga handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan, kanyang binasbasan ang bayan sa pangalan ng PANGINOON ng mga hukbo. Ang kanyang ipinamahagi sa buong bayan, sa buong karamihan ng Israel, sa mga lalaki at sa mga babae, at sa bawat isa ay isang tinapay, isang karne, at isang tinapay na pasas. Pagkatapos nito, ang buong bayan ay umuwi sa kanya-kanyang bahay. Bumalik si David upang basbasan ang kanyang sambahayan. Subalit si Mical na anak ni Saul ay lumabas upang salubungin si David, at sinabi, "Niluwalhati ngayon ng hari ng Israel ang kanyang sarili, na siya'y naghubad ngayon sa paningin ng mga babaing alipin ng kanyang mga lingkod, gaya ng kahiyahiyang paghuhubad ng isang taong malaswa." Sinabi ni David kay Mical, "Iyon ay sa harap ng PANGINOON na siyang pumili sa akin na higit sa iyong ama, at higit sa buong sambahayan niya, upang hirangin ako bilang pinuno ng Israel, ang bayan ng PANGINOON, kaya't ako'y magsasaya sa harap ng PANGINOON. Gagawin ko ang aking sarili na higit pang hamak kaysa rito, at ako'y magpapakababa sa iyong paningin; ngunit sa mga babaing lingkod na iyong binanggit, sa pamamagitan nila ako ay pararangalan." At si Mical na anak ni Saul ay hindi nagkaanak hanggang sa araw ng kanyang kamatayan. At nangyari nang ang hari ay nakatira na sa kanyang bahay, at binigyan siya ng PANGINOON ng kapahingahan sa lahat niyang mga kaaway sa palibot. Sinabi ng hari kay Natan na propeta, "Tingnan mo ngayon, ako'y tumitira sa isang bahay na sedro, ngunit ang kaban ng Diyos ay nakatira sa loob ng mga tabing." At sinabi ni Natan sa hari, "Humayo ka, gawin mo ang lahat ng nasa iyong isipan; sapagkat ang PANGINOON ay kasama mo." Subalit nang gabi ring iyon, ang salita ng PANGINOON ay dumating kay Natan, na sinasabi, "Humayo ka at sabihin mo sa aking lingkod na si David, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON: Ikaw ba ang magtatayo ng aking bahay na matitirahan? Sapagkat hindi pa ako nakakatira sa isang bahay mula ng araw na aking iahon ang mga anak ni Israel mula sa Ehipto hanggang sa araw na ito, kundi ako'y nagpapalipat-lipat sa tolda para sa aking tirahan. Sa lahat ng dako na aking nilakarang kasama ng lahat ng mga anak ni Israel, nagsalita ba ako ng isang salita sa isa sa mga lipi ng Israel na aking inutusan upang maging pastol ng aking bayang Israel, na nagsasabi, "Bakit hindi ninyo ako ipinagtayo ng isang bahay na sedro?"' Ngayon nga'y ganito ang iyong sasabihin sa aking lingkod na si David, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, Kinuha kita mula sa kulungan ng tupa, sa pagsunod sa tupa, upang ikaw ay maging pinuno sa aking bayang Israel. Ako'y naging kasama mo saan ka man pumunta, at aking inihiwalay ang lahat ng iyong mga kaaway sa harap mo; at gagawin kitang isang dakilang pangalan, gaya ng pangalan ng mga dakila na nasa lupa. Pipili ako ng isang lugar para sa aking bayang Israel, at aking itatatag sila, upang sila'y manirahan sa kanilang sariling lugar, at huwag ng gambalain pa. Hindi na sila pahihirapan pa ng mga taong malulupit, na gaya nang una, mula sa araw na ako'y humirang ng mga hukom sa aking bayang Israel; at bibigyan kita ng kapahingahan sa lahat ng iyong mga kaaway. Bukod sa rito ay sinasabi sa iyo ng PANGINOON na igagawa ka ng PANGINOON ng isang bahay. Kapag ang iyong mga araw ay naganap na at ikaw ay matutulog na kasama ng iyong mga ninuno, aking ibabangon ang iyong binhi pagkatapos mo, na magmumula sa iyong katawan, at aking itatatag ang kanyang kaharian. Siya'y magtatayo ng bahay para sa aking pangalan, at aking itatatag ang trono ng kanyang kaharian magpakailanman. Ako'y magiging kanyang ama at siya'y magiging aking anak. Kapag siya'y gumawa ng kasamaan, parurusahan ko siya ng pamalo ng mga tao, at ng panghampas ng mga anak ng mga tao; ngunit hindi ko aalisin sa kanya ang aking tapat na pag-ibig gaya ng aking pagkaalis nito kay Saul, na aking inalis sa harap mo. Ang iyong sambahayan at ang iyong kaharian ay matitiwasay magpakailanman sa harap ko; ang iyong trono ay matatatag magpakailanman.' " Ayon sa lahat ng mga salitang ito, at ayon sa lahat ng pangitaing ito ay nagsalita si Natan kay David. Nang magkagayo'y pumasok si Haring David at umupo sa harap ng PANGINOON, at kanyang sinabi, "Sino ako, O Panginoong DIYOS, at ano ang aking sambahayan na ako'y iyong dinala sa ganito kalayo? Ito'y munting bagay pa sa iyong paningin, O Panginoong DIYOS; at ikaw ay nagsalita rin tungkol sa sambahayan ng iyong lingkod hanggang sa matagal na panahong darating; at ipinakita mo sa akin ang hinaharap na salinlahi, O Panginoong DIYOS! At ano pa ang masasabi ni David sa iyo? Sapagkat kilala mo ang iyong lingkod, O Panginoong DIYOS. Dahil sa iyong pangako at ayon sa iyong sariling puso, iyong ginawa ang lahat ng kadakilaang ito upang malaman ng iyong lingkod. Kaya't ikaw ay dakila, O Panginoong DIYOS; sapagkat walang gaya mo, o may ibang Diyos pa bukod sa iyo, ayon sa lahat nang naririnig ng aming mga tainga. Anong bansa sa lupa ang gaya ng iyong bayang Israel? Mayroon bang ibang bansa sa lupa na tinubos ng Diyos upang maging kanyang bayan, at gumawa para sa kanya ng isang pangalan, na gumagawa para sa kanila ng mga dakila at mga kakilakilabot na mga bagay, sa pamamagitan ng pagpapalayas sa harap ng iyong bayan ng mga bansa at ng kanilang mga diyos? At itinatag mo sa iyong sarili ang iyong bayang Israel upang maging iyong bayan magpakailanman; at ikaw, PANGINOON, ay naging kanilang Diyos. At ngayon, O PANGINOONG Diyos, pagtibayin mo magpakailanman ang salita na iyong sinalita tungkol sa iyong lingkod, at tungkol sa kanyang sambahayan, at iyong gawin gaya ng iyong sinalita, at ang iyong pangalan ay dadakilain magpakailanman, na sinasabi, 'Ang PANGINOON ng mga hukbo ay Diyos sa Israel' at ang sambahayan ng iyong lingkod na si David ay matatatag sa harap mo. Sapagkat ikaw, O PANGINOON ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel ang gumawa ng ganitong pahayag sa iyong lingkod, na sinasabi, 'Ipagtatayo kita ng isang bahay"; kaya't ang iyong lingkod ay nagkaroon ng tapang na manalangin ng ganito sa iyo. At ngayon, O Panginoong DIYOS, ikaw ay Diyos at ang iyong mga salita ay katotohanan, at iyong ipinangako ang mabuting bagay na ito sa iyong lingkod; kaya't ngayon nga'y kalugdan mong pagpalain ang sambahayan ng iyong lingkod, upang ito'y magpatuloy magpakailanman sa harap mo. Sapagkat ikaw, O Panginoong DIYOS ay nagsalita, at sa pamamagitan ng iyong pagpapala ay maging mapalad nawa ang sambahayan ng iyong lingkod magpakailanman." Pagkatapos nito, nilupig ni David ang mga Filisteo at pinasuko sila, at kinuha ni David ang Meteg-ama mula sa kamay ng mga Filisteo. Nilupig din niya ang Moab at kanyang pinahiga sila sa lupa at sinukat sila sa pamamagitan ng isang tali. Bawat dalawang sukat ng tali ay ipinapatay, at isang sukat para sa ililigtas. At ang mga Moabita ay naging mga alipin ni David at nagdala ng mga buwis. Nilupig din ni David si Hadadezer na anak ni Rehob, na hari ng Soba, habang siya'y humahayo upang ibalik ang kanyang kapangyarihan sa Ilog Eufrates. Kinuha ni David mula sa kanya ang isanlibo at pitong daang mangangabayo, at dalawampung libong kawal na lakad. At pinilayan ni David ang lahat ng kabayo na pangkarwahe, ngunit nag-iwan siya ng sapat para sa isandaang karwahe. Nang dumating ang mga taga-Siria mula sa Damasco upang tumulong kay Hadadezer na hari sa Soba, pinatay ni David sa mga taga-Siria ang dalawampu't dalawang libong tao. Pagkatapos ay naglagay si David ng mga kuta sa Aram ng Damasco; at ang mga taga-Siria ay naging mga alipin ni David at nagsipagdala ng buwis. At binigyan ng PANGINOON si David ng pagtatagumpay saanman siya pumunta. Kinuha ni David ang mga kalasag na ginto na dinala ng mga lingkod ni Hadadezer, at dinala ang mga iyon sa Jerusalem. Mula sa Beta at Berotai na mga bayan ni Hadadezer ay kumuha si Haring David ng napakaraming tanso. Nang mabalitaan ni Toi na hari ng Hamat na nilupig ni David ang buong hukbo ni Hadadezer, sinugo ni Toi si Joram na kanyang anak kay Haring David upang bumati sa kanya at purihin siya sapagkat siya'y lumaban kay Hadadezer at kanyang nilupig siya. Si Hadadezer ay madalas na lumalaban noon kay Toi. Nagdala si Joram ng mga kagamitang pilak, kagamitang ginto, at mga kagamitang tanso; ang mga ito naman ay itinalaga ni David sa PANGINOON na kasama ng pilak at ng ginto na kanyang itinalaga mula sa lahat ng mga bansa na kanyang pinasuko; mula sa Edom, Moab, sa mga Ammonita, sa mga Filisteo, sa Amalek, at sa nasamsam kay Hadadezer na anak ni Rehob na hari sa Soba. At napabantog si David. Nang siya'y bumalik, nakapatay siya ng labingwalong libong mga Edomita sa Libis ng Asin. Naglagay siya ng mga kuta sa Edom; sa buong Edom ay naglagay siya ng mga kuta, at ang lahat ng Edomita ay naging mga alipin ni David. At binigyan ng PANGINOON si David ng pagtatagumpay saanman siya pumunta. Kaya't naghari si David sa buong Israel; at naggawad si David ng katarungan at pagkakapantay-pantay sa kanyang buong bayan. At si Joab na anak ni Zeruia ay pinuno ng hukbo; at si Jehoshafat na anak ni Ahilud ay tagapagtala; si Zadok na anak ni Ahitub at si Ahimelec na anak ni Abiatar ay mga pari; at si Seraya ay kalihim; si Benaya na anak ni Jehoiada ay pinuno ng mga Kereteo at Peleteo; at ang mga anak ni David ay mga pari. Nagtanong si David, "May nalalabi pa ba sa sambahayan ni Saul upang aking mapagpakitaan ng kabutihan alang-alang kay Jonathan?" Noon ay may isang lingkod sa sambahayan ni Saul na ang pangalan ay Ziba. Kanilang tinawag siya upang humarap kay David, at sinabi ng hari sa kanya, "Ikaw ba si Ziba?" At kanyang sinabi, "Ako nga ang iyong lingkod." Sinabi ng hari, "Mayroon pa bang nalalabi sa sambahayan ni Saul upang siya'y mapagpakitaan ko ng kabutihan ng Diyos?" At sinabi ni Ziba sa hari, "Mayroon pang isang anak si Jonathan; pilay ang kanyang mga paa." At sinabi ng hari sa kanya, "Saan siya naroroon?" Sinabi ni Ziba sa hari, "Siya'y nasa bahay ni Makir na anak ni Amiel, sa Lodebar." Kaya't nagsugo si Haring David at ipinakuha siya sa bahay ni Makir na anak ni Amiel mula sa Lodebar. Si Mefiboset, na anak ni Jonathan, na anak ni Saul, ay pumaroon kay David, nagpatirapa sa kanyang harap, at nagbigay galang. At sinabi ni David, "Mefiboset." Siya'y sumagot, "Ako ang iyong lingkod!" Sinabi ni David sa kanya, "Huwag kang matakot, sapagkat pagpapakitaan kita ng kabutihan alang-alang kay Jonathan na iyong ama. Ibabalik ko sa iyo ang lahat ng lupain ni Saul na iyong ama at ikaw ay palaging kakain sa aking hapag." At siya'y nagbigay galang at nagsabi, "Ano ang iyong lingkod upang iyong tingnan ang isang asong patay na gaya ko?" Nang magkagayo'y tinawag ng hari si Ziba na lingkod ni Saul, at sinabi sa kanya, "Lahat ng nauukol kay Saul at sa kanyang buong sambahayan ay aking ibinigay sa anak ng iyong panginoon. Ikaw, ang iyong mga anak at mga alipin ay magbubungkal ng lupa para sa kanya, at iyong dadalhin dito ang mga bunga, upang ang anak ng iyong panginoon ay magkaroon ng tinapay na makakain. Ngunit si Mefiboset na anak ng iyong panginoon ay palaging kakain sa aking hapag." Si Ziba ay may labinlimang anak na lalaki at dalawampung alipin. Pagkatapos ay sinabi ni Ziba sa hari, "Ayon sa lahat ng iniutos ng aking panginoong hari sa kanyang lingkod ay gayon ang gagawin ng iyong lingkod." Kaya't si Mefiboset ay kumain sa hapag ni David na gaya ng isa sa mga anak ng hari. Si Mefiboset ay may isang anak na binata na ang pangalan ay Mica. At lahat ng naninirahan sa bahay ni Ziba ay naging mga lingkod ni Mefiboset. Kaya't nanirahan si Mefiboset sa Jerusalem, sapagkat siya'y laging kumakain sa hapag ng hari. At pilay ang kanyang dalawang paa. At nangyari pagkatapos nito, ang hari ng mga Ammonita ay namatay, at si Hanun na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. Sinabi ni David, "Pagpapakitaan ko ng kagandahang-loob si Hanun na anak ni Nahas, gaya ng pagpapakita sa akin ng kagandahang-loob ng kanyang ama." Kaya't nagsugo si David sa pamamagitan ng kanyang mga lingkod upang aliwin siya tungkol sa kanyang ama. At dumating ang mga lingkod ni David sa lupain ng mga anak ni Ammon. Ngunit sinabi ng mga pinuno ng mga anak ni Ammon kay Hanun na kanilang panginoon, "Inaakala mo bang pinararangalan ni David ang iyong ama, kaya't siya'y nagsugo ng mga tagaaliw? Hindi kaya nagsugo si David sa iyo ng kanyang mga lingkod upang siyasatin ang bayan, at upang tiktikan, at upang ito ay magapi?" Kaya't dinakip ni Hanun ang mga lingkod ni David, at inahit ang kalahati ng kanilang balbas, at pinutol ang kanilang mga suot sa gitna, sa kanilang pigi, at sila'y pinaalis. Nang ito ay ibalita kay David, siya'y nagsugo upang salubungin sila, sapagkat ang mga lalaki ay lubhang napahiya. Sinabi ng hari, "Manatili kayo sa Jerico hanggang sa tumubo ang inyong balbas, pagkatapos ay bumalik na kayo." Nang makita ng mga Ammonita na sila'y naging kasuklamsuklam kay David, ang mga Ammonita ay nagsugo at inupahan ang mga taga-Siria sa Bet-rehob, at ang mga taga-Siria sa Soba, dalawampung libong kawal na lakad, at ang hari sa Maaca na may isanlibong tauhan at ang mga lalaking taga-Tob na labindalawang libong lalaki. Nang ito ay mabalitaan ni David, kanyang sinugo si Joab at ang lahat ng hukbo ng mga makapangyarihang lalaki. Ang mga Ammonita ay nagsilabas at humanay sa labanan sa pasukan sa pintuang-bayan; at ang mga taga-Siria ng Soba, ng Rehob, at ang mga lalaking taga-Tob at mga taga-Maaca ay nasa parang. Nang makita ni Joab na ang labanan ay nakatutok sa kanya sa harapan at likuran, pumili siya ng ilan sa mga hirang na lalaki sa Israel at inihanay sila laban sa mga taga-Siria. Ang nalabi sa kanyang mga tauhan ay inilagay niya sa pamamahala ni Abisai na kanyang kapatid, at kanyang inihanay sila laban sa mga Ammonita. Kanyang sinabi, "Kung ang mga taga-Siria ay napakalakas para sa akin, ay tulungan mo nga ako; ngunit kung ang mga Ammonita ay maging napakalakas para sa iyo, darating naman ako at tutulungan kita. Magpakatapang ka, at tayo'y magpakalalaki para sa ating bayan, at para sa mga lunsod ng ating Diyos; at gawin nawa ng PANGINOON ang inaakala niyang mabuti." Kaya't lumapit si Joab at ang mga taong kasama niya sa pakikipaglaban sa mga taga-Siria; at sila'y nagsitakas sa harap niya. Nang makita ng mga Ammonita na ang mga taga-Siria ay nagsitakas, sila man ay nagsitakas din sa harap ni Abisai, at nagsipasok sa lunsod. Kaya't bumalik si Joab mula sa paglaban sa mga Ammonita at dumating sa Jerusalem. Subalit nang makita ng mga taga-Siria na sila'y nagapi ng Israel, sila'y nagtipun-tipon. Nagsugo si Hadadezer at dinala ang mga taga-Siria na nasa kabila ng Ilog Eufrates; at sila'y dumating sa Helam na kasama ni Shobac na puno ng hukbo ni Hadadezer sa kanilang unahan. Nang ito'y ibalita kay David kanyang tinipon ang buong Israel at tumawid sa Jordan, at dumating sa Helam. At ang mga taga-Siria ay humanay laban kay David, at lumaban sa kanya. Ang mga taga-Siria ay tumakas sa harap ng Israel; at pumatay si David sa mga taga-Siria ng mga kalalakihan ng pitong daang karwahe, at apatnapung libong mangangabayo, at sinugatan si Shobac na pinuno ng kanilang hukbo, kaya't siya'y namatay doon. Nang makita ng lahat ng hari na mga lingkod ni Hadadezer na sila'y nagapi ng Israel, sila'y nakipagpayapaan sa Israel at napasakop sa kanila. Kaya't natakot ang mga taga-Siria na tumulong pa sa mga Ammonita. Sa tagsibol ng taon, ang panahon na ang mga hari ay lumalabas upang makipaglaban, sinugo ni David si Joab at ang kanyang mga lingkod na kasama niya, at ang buong Israel. Kanilang sinalanta ang mga Ammonita at kinubkob ang Rabba. Ngunit si David ay nanatili sa Jerusalem. Isang dapit hapon, nang si David ay bumangon sa kanyang higaan at naglalakad sa bubungan ng bahay ng hari, nakakita siya mula sa bubungan ng isang babaing naliligo; at ang babae ay napakaganda. Nagsugo si David at nagtanong tungkol sa babae. At sinabi ng isa, "Hindi ba ito ay si Batseba na anak ni Eliam, na asawa ni Urias na Heteo?" Kaya't si David ay nagpadala ng mga sugo at kinuha siya. Ang babae ay pumaroon sa kanya at siya'y kanyang sinipingan. (Siya ay katatapos pa lamang maglinis mula sa kanyang karumihan.) Pagkatapos, siya'y bumalik sa kanyang bahay. Ang babae ay naglihi; at siya'y nagsugo at sinabi kay David, "Ako'y buntis." Kaya't nagpasabi si David kay Joab, "Papuntahin mo sa akin si Urias na Heteo." Pinapunta ni Joab si Urias kay David. Nang si Urias ay dumating sa kanya, tinanong siya ni David kung ano ang kalagayan ni Joab at ng mga tauhan, at kung ano ang nangyayari sa labanan. Sinabi ni David kay Urias, "Bumaba ka sa iyong bahay at hugasan mo ang iyong mga paa." At lumabas si Urias sa bahay ng hari at isinunod sa kanya ang isang regalo mula sa hari. Ngunit natulog si Urias sa pintuan ng bahay ng hari, kasama ng lahat ng mga lingkod ng kanyang panginoon, at hindi bumaba sa kanyang bahay. Nang kanilang sabihin kay David na, "Hindi bumaba si Urias sa kanyang bahay," sinabi ni David kay Urias, "Hindi ba galing ka sa isang paglalakbay? Bakit hindi ka bumaba sa iyong bahay?" Sinabi ni Urias kay David, "Ang kaban, ang Israel, at ang Juda ay naninirahan sa mga tolda at ang aking panginoong si Joab, at ang mga lingkod ng aking panginoon ay nagkakampo sa parang. Pupunta ba ako sa aking bahay upang kumain, uminom, at sumiping sa aking asawa? Habang buhay ka, at buhay ang iyong kaluluwa, hindi ko gagawin ang bagay na ito." Pagkatapos ay sinabi ni David kay Urias, "Manatili ka rin dito ngayon at bukas ay paaalisin na kita." Kaya't tumigil si Urias sa Jerusalem ng araw na iyon at sa kinabukasan. Inanyayahan siya ni David na siya'y kumain at uminom sa harap niya; at siya'y kanyang nilasing. Kinahapunan, siya'y lumabas upang mahiga sa kanyang higaan kasama ang mga lingkod ng kanyang panginoon, ngunit hindi siya bumaba sa kanyang bahay. Kinaumagahan, sumulat si David kay Joab at ipinadala kay Urias. Sa liham ay kanyang isinulat, "Ilagay mo si Urias sa unahan ng pinakamainit na labanan, pagkatapos kayo'y umurong mula sa kanya, upang siya'y masaktan, at mamatay." Habang kinukubkob ni Joab ang lunsod, kanyang inilagay si Urias sa lugar na alam niyang kinaroroonan ng matatapang na lalaki. At ang mga lalaki sa lunsod ay lumabas at lumaban kay Joab, at ilan sa mga lingkod ni David ay nabuwal na kasama ng bayan. Si Urias na Heteo ay napatay rin. Pagkatapos ay nagsugo si Joab at sinabi kay David ang lahat ng mga balita tungkol sa labanan; at kanyang ibinilin sa sugo, "Kapag tapos ka ng magsalaysay sa hari ng lahat ng mga balita tungkol sa labanan, at, kung magalit ang hari at kanyang sabihin sa iyo, 'Bakit lumapit kayong mabuti sa lunsod upang lumaban? Hindi ba ninyo nalalaman na sila'y papana mula sa pader? Sino ang pumatay kay Abimelec na anak ni Jerubeshet? Hindi ba isang babae ang naghagis sa kanya ng isang pang-ibabaw na bato ng gilingan mula sa pader, kaya't siya'y namatay sa Tebez? Bakit kayo'y lumapit sa pader?' Saka mo sasabihin, 'Ang iyong lingkod na si Urias na Heteo ay patay rin.'" Kaya't humayo ang sugo, pumaroon at isinalaysay kay David ang lahat ng ipinasasabi sa kanya ni Joab. At sinabi ng sugo kay David, 'Ang mga lalaki ay nanaig laban sa amin, at lumabas sa amin sa parang; ngunit pinaurong namin sila hanggang sa pasukan ng pintuang-bayan. At pinana ng mga tagapana ang iyong mga lingkod mula sa kuta; at ang ilan sa mga lingkod ng hari ay namatay, at ang iyong lingkod na si Urias na Heteo ay napatay rin." Nang magkagayo'y sinabi ni David sa sugo, "Ganito ang sabihin mo kay Joab, 'Huwag mong ikabahala ang bagay na ito, sapagkat nilalamon ng tabak ngayon ang isa at pagkatapos ay ang iba naman. Palakasin mo ang iyong pagsalakay sa lunsod at wasakin mo iyon!' Palakasin mo ang loob niya." Nang marinigng asawa ni Urias na si Urias na kanyang asawa ay namatay, kanyang tinangisan ang kanyang asawa. Nang tapos na ang pagluluksa, si David ay nagsugo at kinuha ang babae sa kanyang bahay, at siya'y naging kanyang asawa, at nagka-anak sa kanya ng isang lalaki. Ngunit ang bagay na ginawa ni David ay hindi kinalugdan ng PANGINOON. At isinugo ng PANGINOON si Natan kay David. Siya'y pumaroon sa kanya at sinabi sa kanya, "May dalawang lalaki sa isang lunsod, ang isa ay mayaman at ang isa ay mahirap. Ang mayaman ay mayroong napakaraming kawan at bakahan; ngunit ang mahirap ay walang anumang bagay liban sa isang munting babaing kordero na kanyang binili. Kanyang inalagaan ito at lumaki sa piling niya at ng kanyang mga anak. Kumakain ito ng kanyang sariling pagkain at umiinom sa kanyang sariling inuman, at humihiga sa kanyang kandungan, at sa kanya'y parang isang anak na babae. Noon ay may dumating na manlalakbay sa mayaman. Ayaw niyang kumuha mula sa kanyang sariling kawan at sa kanyang sariling bakahan para sa manlalakbay na dumating sa kanya. Sa halip ay kinuha niya ang kordero ng taong mahirap at inihanda sa lalaking dumating sa kanya." At ang galit ni David ay labis na nagningas laban sa lalaki; at kanyang sinabi kay Natan, "Habang buhay ang PANGINOON, ang lalaking gumawa nito ay karapat-dapat na mamatay; kanyang ibabalik ang kordero na may dagdag na apat, sapagkat kanyang ginawa ang bagay na ito, at sapagkat siya'y walang habag." Sinabi ni Natan kay David, "Ikaw ang lalaking iyon. Ganito ang sabi ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel, 'Binuhusan kita ng langis upang maging hari ng Israel, at iniligtas kita sa kamay ni Saul. Ibinigay ko sa iyo ang bahay ng iyong panginoon, ang mga asawa ng iyong panginoon sa iyong kandungan, at ang sambahayan ng Israel at ng Juda; at kung ito ay maliit pa ay daragdagan pa kita ng higit. Bakit mo hinamak ang salita ng PANGINOON upang gumawa ng masama sa kanyang paningin? Tinaga mo ng tabak si Urias na Heteo, at kinuha mo ang kanyang asawa upang maging iyong asawa, at pinaslang mo siya sa pamamagitan ng tabak ng mga Ammonita. Kaya ngayon ay hindi hihiwalay kailanman ang tabak sa iyong sambahayan; sapagkat hinamak mo ako, at kinuha mo ang asawa ni Urias na Heteo upang maging iyong asawa.' Ganito ang sabi ng PANGINOON, 'Ako'y magpapabangon ng kasamaan laban sa iyo mula sa iyong sariling sambahayan, at kukunin ko ang iyong mga asawa sa harap ng iyong paningin, at aking ibibigay sa iyong kapwa; at kanyang sisipingan ang iyong mga asawa sa liwanag ng araw na ito. Lihim mo itong ginawa, ngunit gagawin ko ang bagay na ito sa harap ng buong Israel, at sa harap ng araw.'" At sinabi ni David kay Natan, "Ako'y nagkasala laban sa PANGINOON." At sinabi ni Natan kay David, "Inalis din ng PANGINOON ang iyong kasalanan; hindi ka mamamatay. Gayunman, sapagkat sa pamamagitan ng gawang ito'y binigyan mo ng dahilan ang mga kaaway ng PANGINOON, ang bata naman na ipinanganak sa iyo ay mamamatay." Pagkatapos, si Natan ay umuwi sa kanyang bahay. Sinaktan ng PANGINOON ang bata na ipinanganak ng asawa ni Urias kay David, at ito ay nagkasakit. Kaya't nagmakaawa si David sa Diyos para sa bata; at si David ay nag-ayuno at pumasok at humiga sa lupa buong magdamag. Ang matatanda sa kanyang bahay ay tumatayo sa tabi niya upang itindig siya sa lupa; ngunit ayaw niya, ni hindi siya kumain ng tinapay na kasalo nila. Nang ikapitong araw, ang bata ay namatay. Natakot ang mga lingkod ni David na sabihin sa kanya na ang bata ay patay na; sapagkat kanilang sinabi, "Samantalang ang bata ay buhay pa, tayo ay nakipag-usap sa kanya, at hindi siya nakinig sa atin; kaya't paano natin sasabihin sa kanya na ang bata ay patay na? Baka saktan niya ang kanyang sarili." Ngunit nang makita ni David na ang kanyang mga lingkod ay nagbubulong-bulungan, nahiwatigan ni David na ang bata ay patay na. Kaya't itinanong ni David sa kanyang mga lingkod, "Patay na ba ang bata?" At kanilang sinabi, "Siya'y patay na." Nang magkagayo'y bumangon si David sa lupa at naligo, nagbuhos at nagbihis ng kanyang damit; at siya'y pumunta sa bahay ng PANGINOON at sumamba. Pagkatapos ay pumunta siya sa kanyang sariling bahay; at nang siya'y humingi, kanilang hinainan siya ng pagkain at siya'y kumain. Sinabi sa kanya ng kanyang mga lingkod, "Anong bagay ito na iyong ginawa? Ikaw ay nag-ayuno at umiyak dahil sa bata nang siya'y buhay pa; ngunit nang mamatay ang bata, ikaw ay bumangon at kumain ng tinapay." At kanyang sinabi, "Nang ang bata'y buhay pa, ako'y nag-ayuno at umiyak, sapagkat aking sinabi, 'Sino ang nakakaalam kung maaawa sa akin ang PANGINOON, upang ang bata'y mabuhay?' Ngunit ngayo'y patay na siya; bakit pa ako mag-aayuno? Maibabalik ko pa ba siya? Ako'y pupunta sa kanya, ngunit siya'y hindi babalik sa akin." At inaliw ni David si Batseba na kanyang asawa, lumapit siya sa kanya, at sumiping sa kanya. Siya'y nanganak ng isang lalaki, at tinawag niya ang kanyang pangalan na Solomon. Minahal siya ng PANGINOON; at nagpadala ng mensahe sa pamamagitan ni Natan na propeta; kaya't tinawag niya ang kanyang pangalan na Jedidiah, dahil sa PANGINOON. Noon ay nakipaglaban si Joab sa Rabba ng mga Ammonita at sinakop ang pangunahing lunsod. Nagpadala si Joab ng mga sugo kay David, at nagsabi, "Ako'y nakipaglaban sa Rabba, bukod dito, aking sinakop ang lunsod ng tubig. Ngayo'y tipunin mo ang nalabi sa bayan, at humimpil ka laban sa lunsod, at sakupin mo; baka sakupin ko ang lunsod at tawagin ito ayon sa aking pangalan." Tinipon ni David ang buong bayan at pumunta sa Rabba, at lumaban doon at sinakop ito. Kinuha niya ang korona ng kanilang hari sa kanyang ulo; ang bigat niyon ay isang talentong ginto, at sa mga iyon ay may mahahalagang bato; at ipinutong iyon sa ulo ni David. Siya'y naglabas ng napakaraming samsam sa lunsod. At kanyang inilabas ang mga taong naroon, at pinagawa sa pamamagitan ng mga lagari, mga suyod na bakal, mga palakol na bakal, at sa mga lutuan ng laryo. Gayon ang ginawa niya sa lahat ng mga bayan ng mga Ammonita. Pagkatapos, si David at ang buong bayan ay bumalik sa Jerusalem. Samantala, si Absalom na anak ni David ay mayroong isang kapatid na magandang babae na ang pangalan ay Tamar. At umibig sa kanya si Amnon na anak ni David. At si Amnon ay lubhang naligalig, kaya't siya'y gumawa ng paraan upang magkasakit dahil sa kanyang kapatid na si Tamar; sapagkat siya'y birhen at inaakala ni Amnon na napakahirap siyang gawan ng anumang bagay. Ngunit si Amnon ay may isang kaibigan na ang pangala'y Jonadab, na anak ni Shimeah na kapatid ni David. At si Jonadab ay isang taong napakatuso. Sinabi niya sa kanya, "O anak ng hari, bakit tuwing umaga ay mukhang may sakit ka? Hindi mo ba sasabihin sa akin?" At sinabi ni Amnon sa kanya, "Umiibig ako kay Tamar na kapatid ng kapatid kong si Absalom." Sinabi ni Jonadab sa kanya, "Mahiga ka sa iyong higaan at magsakit-sakitan ka. Kapag dumating ang iyong ama upang tingnan ka, sabihin mo sa kanya, 'Papuntahin mo rito ang aking kapatid na si Tamar at bigyan ako ng tinapay na makakain, at maghanda ng pagkain sa aking harapan na aking nakikita, at kainin iyon mula sa kanyang ka-may'" Kaya't nahiga si Amnon at nagsakit-sakitan. Nang dumating ang hari upang tingnan siya, sinabi ni Amnon sa hari, "Hinihiling ko sa iyo na papuntahin mo rito ang aking kapatid na si Tamar, at igawa ako ng dalawang maliit na tinapay sa aking harapan upang aking makain mula sa kanyang kamay." Nang magkagayo'y ipinasundo ni David si Tamar na sinasabi, "Pumunta ka ngayon sa bahay ng iyong kapatid na si Amnon at ipaghanda mo siya ng pagkain." Kaya't pumunta si Tamar sa bahay ng kanyang kapatid na si Amnon na doon ay nakahiga siya. Siya'y kumuha ng isang masa, minasa ito at ginawang mga tinapay sa kanyang harapan, at nilutong mga munting tinapay. Kinuha niya ang kawali at inalis ang laman sa harap ni Amnon ngunit ayaw niyang kumain. At sinabi ni Amnon, "Palabasin ang lahat ng tao sa harap ko." Kaya't silang lahat ay lumabas sa harap niya. Sinabi ni Amnon kay Tamar, "Dalhin mo sa silid ang pagkain upang aking kainin mula sa iyong kamay." At kinuha ni Tamar ang mga tinapay na kanyang ginawa at dinala sa silid kay Amnon na kanyang kapatid. Ngunit nang ilapit niya sa kanya upang kainin, kanyang hinawakan siya, at sinabi niya sa kanya, "Halika, sumiping ka sa akin, kapatid ko." Sumagot siya, "Huwag kapatid ko, huwag mo akong pilitin. Sapagkat ang ganyang bagay ay hindi ginagawa sa Israel. Huwag kang gumawa ng ganitong kalokohan. At tungkol sa akin, saan ko dadalhin ang aking hiya? At tungkol sa iyo, ikaw ay magiging gaya ng isa sa mga hangal sa Israel. Ngayon nga, hinihiling ko sa iyo, makipag-usap ka sa hari, sapagkat hindi niya ako ipagkakait sa iyo." Gayunma'y hindi siya nakinig kay Tamar. Palibhasa'y mas malakas kaysa babae, kanyang pinilit ito na sumiping sa kanya. Pagkatapos ay kinapootan siya nang matindi ni Amnon at ang poot na kanyang ikinapoot sa kanya ay mas matindi kaysa pag-ibig na iniukol niya sa kanya. At sinabi ni Amnon sa kanya, "Bangon, umalis ka na." Ngunit sinabi niya sa kanya, "Huwag, kapatid ko, sapagkat itong kasamaan sa pagpapaalis mo sa akin ay higit pa kaysa ginawa mo sa akin." Ngunit ayaw niyang makinig sa kanya. Tinawag niya ang kabataang naglingkod sa kanya at sinabi, "Ilabas mo ang babaing ito at ikandado mo ang pintuan paglabas niya." Siya'y may suot na mahabang damit na may manggas; sapagkat gayon ang damit na isinusuot ng mga birheng anak na babae ng hari. Kaya't inilabas siya ng kanyang lingkod at ikinandado ang pintuan pagkalabas niya. Naglagay si Tamar ng mga abo sa kanyang ulo, at pinunit ang mahabang damit na suot niya. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa kanyang ulo at umalis na umiiyak nang malakas sa daan. At sinabi sa kanya ni Absalom na kanyang kapatid, "Nakasama mo ba ang kapatid mong si Amnon? Ngayo'y tumahimik ka, kapatid ko. Siya'y iyong kapatid; huwag mong damdamin ang bagay na ito." Kaya't si Tamar ay nanatili na isang babaing malungkot sa bahay ng kanyang kapatid na si Absalom. Ngunit nang mabalitaan ni Haring David ang lahat ng mga bagay na ito, siya'y galit na galit. Ngunit si Absalom ay hindi nagsalita ng mabuti o masama kay Amnon, sapagkat kinapopootan ni Absalom si Amnon dahil hinalay niya ang kanyang kapatid na si Tamar. Pagkalipas ng dalawang buong taon, si Absalom ay mayroong mga tagagupit ng tupa sa Baal-hazor na malapit sa Efraim at inanyayahan ni Absalom ang lahat ng mga anak na lalaki ng hari. Pumunta si Absalom sa hari, at sinabi niya, "Ang iyong lingkod ay may mga tagagupit ng mga tupa. Hinihiling ko sa iyo na ang hari at ang kanyang mga lingkod ay sumama sa iyong lingkod." Ngunit sinabi ng hari kay Absalom, "Huwag anak ko. Huwag mo kaming papuntahing lahat, baka maging pabigat kami sa iyo." Kanyang pinilit siya, subalit hindi siya sumama, ngunit ibinigay niya ang kanyang basbas. Nang magkagayo'y sinabi ni Absalom, "Kung hindi, hinihiling ko sa iyo na pasamahin mo sa amin ang aking kapatid na si Amnon." At sinabi ng hari sa kanya, "Bakit siya sasama sa iyo?" Ngunit pinilit siya ni Absalom, kaya't kanyang pinasama sa kanya si Amnon at ang lahat ng mga anak ng hari. Iniutos ni Absalom sa kanyang mga lingkod, "Tandaan ninyo ngayon, kapag ang puso ni Amnon ay masaya na dahil sa alak, at kapag sinabi ko sa inyo, 'Saktan ninyo si Amnon,' ay patayin nga ninyo siya. Huwag kayong matakot; hindi ba ako ang nag-uutos sa inyo? Kayo'y magpakalakas at magpakatapang." Ginawa ng mga lingkod ni Absalom kay Amnon kung ano ang iniutos ni Absalom. Nang magkagayo'y tumindig ang lahat ng mga anak ng hari, at sumakay ang bawat lalaki sa kanyang mola at tumakas. Samantalang sila'y nasa daan, may balitang nakarating kay David na sinasabing, "Pinatay ni Absalom ang lahat ng mga anak ng hari, at walang nalabing isa man sa kanila." Nang magkagayo'y tumindig ang hari at pinunit ang kanyang mga suot, at humiga sa lupa; at ang lahat niyang mga lingkod na nakatayo sa palibot niya ay pinunit ang kanilang mga damit. Ngunit si Jonadab na anak ni Shimeah na kapatid ni David ay sumagot at nagsabi, "Huwag akalain ng aking panginoon na kanilang pinatay ang lahat ng mga binatang anak ng hari, sapagkat si Amnon lamang ang pinatay. Sapagkat sa utos ni Absalom, ito ay itinakda na, mula nang araw na kanyang halayin ang kanyang kapatid na si Tamar. Ngayon nga'y huwag itong damdamin ng aking panginoong hari na akalaing ang lahat ng mga anak ng hari ay patay na; sapagkat si Amnon lamang ang patay." Ngunit si Absalom ay tumakas. Nang ang kabataang nagbabantay ay nagtaas ng kanyang mga mata, at tumingin at nakita niya ang maraming taong dumarating mula sa daang Horonaim sa gilid ng bundok. Sinabi ni Jonadab sa hari, "Ang mga anak ng hari ay dumating na; ayon sa sinabi ng inyong lingkod, ay gayon nga." Pagkatapos niyang makapagsalita, ang mga anak ng hari ay nagdatingan, at inilakas ang kanilang tinig at umiyak; ang hari at ang lahat niyang mga lingkod ay mapait na umiyak. Ngunit tumakas si Absalom at pumunta kay Talmai na anak ni Amihud na hari ng Geshur. At tinangisan ni David ang kanyang anak na lalaki araw-araw. Kaya't tumakas si Absalom at pumunta sa Geshur at nanirahan doon sa loob ng tatlong taon. Si Haring David ay nanabik na puntahan si Absalom, sapagkat siya'y naaliw na tungkol kay Amnon, yamang siya ay patay na. Ngayon ay nahalata ni Joab, na anak ni Zeruia, na ang puso ng hari ay nakatuon kay Absalom. At nagsugo si Joab sa Tekoa, at ipinasundo mula roon ang isang pantas na babae, at sinabi sa kanya, "Ikaw ay magkunwaring isang nagluluksa at magsuot ka ng damit pangluksa. Huwag kang magpahid ng langis, kundi ikaw ay magkunwaring isang babaing nagluluksa nang mahabang panahon dahil sa isang namatay. Pumunta ka sa hari, at magsalita ka ng gayon sa kanya." Kaya't inilagay ni Joab ang mga salita sa bibig ng babae. Nang magsalita ang babaing taga-Tekoa sa hari, siya ay nagpatirapa sa lupa, nagbigay galang, at nagsabi, "Tulungan mo ako, O hari." Sinabi ng hari sa kanya, "Anong bumabagabag sa iyo?" At siya'y sumagot, "Sa katotohanan ako'y balo, at ang aking asawa ay patay na. Ang iyong lingkod ay may dalawang anak at silang dalawa'y nag-away sa parang. Walang umawat sa kanila, at sinaktan ng isa ang isa at napatay ito. Ang buong angkan ay bumangon laban sa iyong lingkod, at sila'y nagsabi, 'Ibigay mo ang taong pumatay sa kanyang kapatid, upang siya'y mapatay namin dahil sa buhay ng kanyang kapatid na kanyang pinatay'; sa gayo'y mapapatay din nila ang tagapagmana. Sa gayo'y mapapatay nila ang aking nalalabing baga at walang maiiwan sa aking asawa kahit pangalan o anumang nalabi sa balat ng lupa." Sinabi ng hari sa babae, "Umuwi ka sa iyong bahay, at ako'y mag-uutos tungkol sa iyo." At sinabi ng babaing taga-Tekoa sa hari, "Panginoon kong hari, ang kasamaan ay maging akin nawa, at sa sambahayan ng aking ama; at ang hari at ang kanyang trono ay mawalan nawa ng sala." Sinabi ng hari, "Sinumang magsabi sa iyo ng anuman, dalhin mo siya sa akin, at hindi ka na niya gagalawin pa." Pagkatapos ay sinabi niya, "Hinihiling ko na alalahanin ng hari ang PANGINOON mong Diyos, upang ang tagapaghiganti ng dugo ay huwag nang pumatay pa, at upang huwag nang mapuksa ang aking anak." At kanyang sinabi, "Habang buhay ang PANGINOON, wala ni isang buhok ng iyong anak ang mahuhulog sa lupa." Nang magkagayo'y sinabi ng babae, "Hinihiling kong pahintulutan mo ang iyong lingkod na magsalita ng isang bagay sa aking panginoong hari." At kanyang sinabi, "Magsalita ka." At sinabi ng babae, "Bakit ka nagbalak ng gayong bagay laban sa bayan ng Diyos? Sapagkat sa pagbibigay ng ganitong pasiya ay itinuring ng hari na nagkasala ang sarili, yamang hindi ipinababalik ng hari ang kanyang sariling itinapon. Tayong lahat ay kailangang mamatay, tayo'y gaya ng tubig na nabuhos sa lupa, na hindi na muling matitipon, ngunit hindi kukunin ng Diyos ang buhay niya na humahanap ng paraan upang ang itinapon ay huwag mamalaging isang ipinatapon. Ngayon ay pumarito ako upang sabihin ang bagay na ito sa aking panginoong hari, sapagkat tinakot ako ng taong-bayan, at inakala ng iyong lingkod, 'Ako'y magsasalita sa hari, marahil ay gagawin ng hari ang kahilingan ng kanyang lingkod. Sapagkat papakinggan ng hari at ililigtas ang kanyang lingkod sa kamay ng lalaking magkasamang papatay sa akin at sa aking anak mula sa pamanang Diyos.' At inakala ng iyong lingkod,'Ang salita ng aking panginoong hari ang magpapatiwasay sa akin, sapagkat ang aking panginoong hari ay gaya ng anghel ng Diyos upang makilala ang mabuti at masama. Ang PANGINOON mong Diyos ay sumaiyo nawa!'" Nang magkagayo'y sinagot ng hari ang babae, "Huwag mong ikubli sa akin ang anumang itatanong ko sa iyo." At sinabi ng babae, "Hayaang magsalita ang panginoon kong hari." Sinabi ng hari, "Kasama mo ba ang kamay ni Joab sa lahat ng bagay na ito?" At sumagot ang babae at nagsabi, "Kung paanong ikaw ay buhay panginoon kong hari, walang makakaliko sa kanan o sa kaliwa sa anumang sinabi ng aking panginoong hari. Ang iyong lingkod na si Joab ang siyang nag-utos sa akin, at siyang naglagay ng lahat ng mga salitang ito sa bibig ng iyong lingkod. Upang baguhin ang takbo ng mga pangyayari, ginawa ng iyong lingkod na si Joab ang bagay na ito. Ngunit ang aking panginoon ay may karunungan gaya ng anghel ng Diyos upang malaman ang lahat ng mga bagay na nasa lupa." Sinabi ng hari kay Joab, "Ngayon, ipinahihintulot ko ito; humayo ka, ibalik mo rito uli ang binatang si Absalom." Nagpatirapa si Joab sa lupa, at nagbigay galang. Pinuri ni Joab ang hari at sinabi, "Ngayo'y nalalaman ng iyong lingkod na ako'y nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, panginoon kong hari, sapagkat ipinagkaloob ng hari ang kahilingan ng kanyang lingkod." Kaya't tumindig si Joab at pumunta sa Geshur at dinala si Absalom sa Jerusalem. At sinabi ng hari, "Hayaan siyang manirahang bukod sa kanyang sariling bahay, hindi siya dapat lumapit sa aking harapan." Kaya't nanirahang bukod si Absalom sa kanyang sariling bahay at hindi lumapit sa harapan ng hari. Sa buong Israel nga'y walang hinahangaan sa kanyang kagandahan na gaya ni Absalom. Mula sa talampakan ng kanyang paa hanggang sa tuktok ng kanyang ulo, ay walang kapintasan. Kapag ipinapagupit niya ang buhok sa kanyang ulo (sapagkat sa bawat katapusan ng bawat taon siya ay nagpapagupit; kapag mabigat na sa kanya ay kanyang ipinapagupit) kanyang tinitimbang ang buhok ng kanyang ulo, dalawang daang siklo, ayon sa timbangan ng hari. At ipinanganak kay Absalom ang tatlong lalaki, at isang babae na ang pangala'y Tamar; siya'y isang magandang babae. Kaya't si Absalom ay nanirahan ng buong dalawang taon sa Jerusalem na hindi lumalapit sa harapan ng hari. Nang magkagayo'y ipinasugo ni Absalom si Joab, upang suguin siya sa hari ngunit ayaw niyang pumunta. Kaya't sinabi niya sa kanyang mga alipin, "Tingnan ninyo, ang bukid ni Joab ay malapit sa akin, at siya'y may sebada roon. Humayo kayo at sunugin ninyo iyon." At sinunog ng mga alipin ni Absalom ang bukid. Nang magkagayo'y bumangon si Joab at pumunta kay Absalom sa kanyang bahay, at sinabi sa kanya, "Bakit sinunog ng iyong mga alipin ang aking bukid?" At sinagot ni Absalom si Joab, "Ako'y nagpasugo sa iyo, 'Pumarito ka, upang isugo kita sa hari,' upang itanong, 'Bakit pa ako umuwi mula sa Geshur? Mas mabuti pang nanatili ako roon.' Ngayon ay papuntahin mo ako sa harapan ng hari; at kung may pagkakasala sa akin, hayaang patayin niya ako!" Kaya't pumunta si Joab sa hari at sinabi sa kanya; at ipinatawag niya si Absalom. Kaya't humarap siya sa hari at nagpatirapa sa lupa sa harap ng hari; at hinagkan ng hari si Absalom. At nangyari pagkatapos nito, naghanda si Absalom ng isang karwahe at mga kabayo, at limampung lalaking tatakbo na nauuna sa kanya. Nakagawian na ni Absalom na bumangong maaga at tumayo sa tabi ng daan sa pintuang-bayan. Kapag ang isang tao ay may dalang usapin upang idulog sa hari para hatulan, tatawagin siya ni Absalom, at sasabihin, "Taga-saang bayan ka?" At kapag kanyang sinabi, "Ang iyong lingkod ay mula sa ganito o sa ganoong lipi ng Israel," ay sasabihin ni Absalom sa kanya, "Tingnan mo, ang iyong usapin ay mabuti at matuwid; ngunit walang itinalaga ang hari upang pakinggan ka." Bukod dito ay sinabi ni Absalom, "O naging hukom sana ako sa lupain! Kung gayon, ang bawat taong may usapin o ipinaglalaban ay lalapit sa akin at siya'y aking bibigyan ng katarungan." At tuwing may taong lalapit upang magbigay-galang sa kanya, kanyang iniuunat ang kanyang kamay at hinahawakan siya, at hinahagkan. Gayon ang ginawa ni Absalom sa buong Israel na lumalapit sa hari upang hatulan; sa gayon naagaw ni Absalom ang puso ng mga tao ng Israel. At nangyari sa katapusan ng apat na taon, sinabi ni Absalom sa hari, "Hinihiling ko sa iyo na hayaan mo akong umalis at tuparin ko ang aking panata sa PANGINOON, sa Hebron. Sapagkat ang iyong lingkod ay gumawa ng isang panata samantalang ako'y naninirahan sa Geshur sa Aram," na sinasabi, 'Kung tunay na dadalhin akong muli ng PANGINOON sa Jerusalem ay sasamba ako sa PANGINOON.'" Sinabi ng hari sa kanya, "Humayo kang payapa." Kaya't tumindig siya at pumunta sa Hebron. Ngunit si Absalom ay nagsugo ng mga espiya sa lahat ng mga lipi ng Israel, na sinasabi, "Pagkarinig ninyo ng tunog ng trumpeta ay inyo ngang sasabihin, 'Si Absalom ay hari sa Hebron!'" Sumama kay Absalom ang dalawandaang lalaki na mga inanyayahang panauhin mula sa Jerusalem at sila'y pumaroong walang kamalay-malay, at walang nalalamang anuman. Samantalang si Absalom ay naghahandog, ipinasugo niya si Ahitofel na Gilonita na tagapayo ni David mula sa kanyang bayang Gilo. Ang pagsasabwatan ay lumakas at ang mga taong kasama ni Absalom ay patuloy na dumarami. Dumating ang isang sugo kay David, na nagsasabi, "Ang mga puso ng mga Israelita ay nasa panig na ni Absalom." At sinabi ni David sa lahat ng kanyang mga lingkod na kasama niya sa Jerusalem, "Humanda kayo, at tayo'y tumakas sapagkat kung hindi ay hindi tayo makakatakas kay Absalom. Magmadali kayo, baka madali niya tayong abutan at bagsakan tayo ng masama, at sugatan ang lunsod ng talim ng tabak." At sinabi ng mga lingkod ng hari sa hari, "Ang iyong mga lingkod ay handang gawin ang anumang ipasiya ng aming panginoong hari." Kaya't umalis ang hari at ang buong sambahayan niya ay sumunod sa kanya. At nag-iwan ang hari ng sampung asawang-lingkod upang pangalagaan ang bahay. Humayo ang hari at ang taong-bayan na kasunod niya, at sila'y huminto sa huling bahay. Lahat niyang mga lingkod ay dumaan sa harapan niya; at ang lahat ng mga Kereteo, mga Peleteo, mga Geteo, at ang animnaraang lalaking sumunod sa kanya mula sa Gat ay dumaan sa harapan ng hari. Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Itai na Geteo, "Bakit pati ikaw ay sumasama sa amin? Bumalik ka at manatili kang kasama ng hari; sapagkat ikaw ay dayuhan at ipinatapon mula sa iyong tahanan. Kahapon ka lamang dumating, at ngayon ay gagawin ba kitang lagalag na kasama namin, samantalang hindi ko alam kung saan pupunta? Bumalik ka, at ibalik mo ang iyong mga kapatid; at nawa'y pagpakitaan ka ng PANGINOON ng tapat na pag-ibig at katapatan." Ngunit sumagot si Itai sa hari, "Habang buhay ang PANGINOON at buhay ang aking panginoong hari, saanman naroroon ang aking panginoong hari, maging sa kamatayan o sa buhay, ay doroon din ang iyong lingkod." At sinabi ni David kay Itai, "Kung gayon ay humayo ka at magpatuloy." At si Itai na Geteo ay nagpatuloy, pati ang lahat niyang mga tauhan, at ang lahat ng mga batang kasama niya. At ang buong lupain ay umiyak nang malakas habang ang buong bayan ay dumaraan, at ang hari ay tumawid sa batis ng Cedron, at ang buong bayan ay tumawid sa daan patungo sa ilang. Dumating si Abiatar, pati si Zadok at ang lahat na Levitang kasama niya na dala ang kaban ng tipan ng Diyos. Kanilang inilapag ang kaban ng Diyos hanggang sa ang buong bayan ay makalabas sa lunsod. Sinabi ng hari kay Zadok, "Ibalik mo ang kaban ng Diyos sa lunsod. Kapag ako'y nakatagpo ng biyaya sa mga mata ng PANGINOON, ibabalik niya ako at ipapakita sa akin ang kaban at gayundin ang kanyang tahanan. Ngunit kung sabihin niyang ganito, 'Hindi kita kinalulugdan;' ako'y naririto, gawin niya sa akin ang inaakala niyang mabuti." Sinabi rin ng hari kay Zadok na pari, "Nakikita mo ba? Bumalik kang payapa sa lunsod, kasama ang iyong dalawang anak, si Ahimaaz na iyong anak at si Jonathan na anak ni Abiatar. Tingnan mo, ako'y maghihintay sa mga tawiran sa ilang hanggang sa may dumating na salita na mula sa inyo upang ipabatid sa akin." Kaya't dinala muli nina Zadok at Abiatar sa Jerusalem ang kaban ng Diyos at sila'y nanatili roon. Ngunit umahon si David sa ahunan sa Bundok ng mga Olibo, na umiiyak habang siya'y umaahon. Ang kanyang ulo ay may takip at lumalakad siya na walang suot ang paa; at ang buong bayan na kasama niya ay may takip ang ulo, at sila'y umahon at umiiyak habang umaahon. At ibinalita kay David, "Si Ahitofel ay isa sa mga kasabwat na kasama ni Absalom." Sinabi ni David, "O PANGINOON, hinihiling ko sa iyo, gawin mong kahangalan ang payo ni Ahitofel." Nang si David ay makarating sa tuktok na doon ay sinasamba ang Diyos, si Husai na Arkita ay sumalubong sa kanya na ang damit ay punit at may lupa sa kanyang ulo. Sinabi ni David sa kanya, "Kapag ikaw ay nagpatuloy na kasama ko, ikaw ay magiging pasanin ko. Ngunit kung ikaw ay babalik sa lunsod, at sasabihin mo kay Absalom, 'Ako'y magiging iyong lingkod, O hari. Kung paanong ako'y naging lingkod ng iyong ama nang panahong nakaraan ay gayon magiging lingkod mo ako ngayon;' kung magkagayo'y iyong mapapawalang-saysay para sa akin ang payo ni Ahitofel. At hindi ba kasama mo roon si Zadok at si Abiatar na mga pari? Kaya't anumang marinig mo sa sambahayan ng hari, iyong sabihin kay Zadok at kay Abiatar na mga pari. Kasama nila roon ang kanilang dalawang anak, si Ahimaaz na anak ni Zadok, at si Jonathan na anak ni Abiatar. Sa pamamagitan nila ay inyong ipadadala sa akin ang bawat bagay na inyong maririnig." Kaya't si Husai na kaibigan ni David ay dumating sa lunsod; samantalang si Absalom ay pumapasok sa Jerusalem. Nang si David ay makalampas ng kaunti sa tuktok, sinalubong siya ni Ziba na lingkod ni Mefiboset na may isang pares na magkatuwang na asno na may pasang dalawandaang tinapay, isandaang kumpol na pasas, isandaang prutas sa tag-araw, at alak sa isang sisidlang balat. Sinabi ng hari kay Ziba, "Bakit ka nagdala ng mga ito?" Sumagot si Ziba, "Ang mga asno ay upang sakyan ng sambahayan ng hari; ang tinapay at ang prutas sa tag-araw ay upang makain ng mga kabataan, at ang alak ay upang mainom ng napapagod sa ilang." Sinabi ng hari, "Nasaan ang anak ng iyong panginoon?" At sinabi ni Ziba sa hari, "Siya'y nakatira sa Jerusalem; sapagkat kanyang sinabi, 'Ngayo'y ibabalik sa akin ng sambahayan ng Israel ang kaharian ng aking ama.'" Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Ziba, "Narito, ang lahat ng pag-aari ni Mefiboset ay sa iyo na ngayon." At sinabi ni Ziba, "Ako'y yumuyukod; makatagpo nawa ako ng biyaya sa paningin mo, panginoon kong hari." Nang dumating si Haring David sa Bahurim, may lumabas na isang lalaki mula sa angkan ng sambahayan ni Saul, na ang pangala'y Shimei, na anak ni Gera. Habang siya'y lumalabas, siya'y patuloy na nagmumura. Kanyang pinagbabato si Haring David at ang lahat ng kanyang mga lingkod. Ang buong bayan, at ang lahat ng mga mandirigma ay nasa kanyang kanan at sa kanyang kaliwa. Ganito ang sinasabi ni Shimei habang siya'y nagmumura, "Lumayas ka, lumayas ka, ikaw na mamamatay-tao, ikaw na taong walang kabuluhan! Ipinaghiganti sa iyo ng PANGINOON ang lahat ng dugo ng sambahayan ni Saul na siya mong pinalitan sa pagiging hari. At ibinigay ng PANGINOON ang kaharian sa kamay ni Absalom na iyong anak. Tingnan mo, dinatnan ka ng pagkawasak sapagkat ikaw ay mamamatay-tao." Nang magkagayo'y sinabi ni Abisai na anak ni Zeruia sa hari, "Bakit lalaitin nitong asong patay ang aking panginoong hari? Patawirin mo ako, at pupugutin ko ang kanyang ulo." Subalit sinabi ng hari, "Anong pakialam ko sa inyo, kayong mga anak ni Zeruia? Kung siya'y nanlalait sapagkat sinabi ng PANGINOON sa kanya, 'Laitin mo si David,' sino nga ang magsasabi, 'Bakit ka gumawa ng ganyan?'" At sinabi ni David kay Abisai at sa lahat niyang mga lingkod, "Ang aking buhay ay tinutugis ng sarili kong anak; gaano pa nga kaya ang Benjaminitang ito? Bayaan ninyo siya, hayaan ninyo siyang manlait sapagkat inutusan siya ng PANGINOON. Marahil ay titingnan ng PANGINOON ang aking paghihirap, at gagantihan ako ng mabuti ng PANGINOON sa panlalait sa akin sa araw na ito." Kaya't nagpatuloy ng paglakad si David at ang kanyang mga tauhan, samantalang si Shimei ay humayo sa tagiliran ng bundok sa tapat niya. Habang humahayo, kanyang nilalait, binabato at sinasabuyan ng alabok si David. At ang hari at ang mga taong kasama niya ay pagod na dumating at nagpahinga siya roon. Samantala, si Absalom at ang buong bayan ng Israel ay dumating sa Jerusalem, at si Ahitofel ay kasama niya. Nang si Husai na Arkita, na kaibigan ni David, ay dumating kay Absalom, sinabi ni Husai kay Absalom, "Mabuhay ang hari, mabuhay ang hari." Sinabi ni Absalom kay Husai, "Ito ba ang katapatan mo sa iyong kaibigan? Bakit hindi ka sumama sa iyong kaibigan?" Sinabi ni Husai kay Absalom, "Hindi, kundi kung sinong piliin ng PANGINOON, ng bayang ito, at ng lahat ng lalaki sa Israel, sa kanya ako sasama, at sa kanya ako mananatili. At saka, kanino ako maglilingkod? Hindi ba sa kanyang anak? Kung paanong ako'y naglingkod sa iyong ama, ay maglilingkod ako sa iyo." Nang magkagayo'y sinabi ni Absalom kay Ahitofel, "Ibigay ninyo ang inyong payo, ano ang ating gagawin?" At sinabi ni Ahitofel kay Absalom, "Sipingan mo ang mga asawang-lingkod ng iyong ama na kanyang iniwan upang pangalagaan ang bahay. Mababalitaan ng buong Israel na pinasama mo ang iyong sarili sa iyong ama. Kung magkagayo'y lalakas ang mga kamay ng lahat ng kasama mo." Kaya't ipinagtayo nila si Absalom ng isang tolda sa bubungan ng bahay; at sinipingan ni Absalom ang mga asawang-lingkod ng kanyang ama sa paningin ng buong Israel. Nang mga araw na iyon, ang payong ibinibigay ni Ahitofel ay para na ring ang isang tao ay sumangguni sa salita ng Diyos. Kaya't lahat ng payo ni Ahitofel ay pinapahalagahan, maging ni David o ni Absalom. Bukod dito'y sinabi ni Ahitofel kay Absalom, "Papiliin mo ako ng labindalawang libong lalaki, at ako'y titindig at aking hahabulin si David sa gabing ito. Ako'y darating sa kanya samantalang siya'y pagod at nanlulupaypay, at akin siyang tatakutin; at ang lahat ng taong kasama niya ay tatakas. Ang hari lamang ang aking sasaktan; at ibabalik ko sa iyo ang buong bayan gaya ng isang babaing ikakasal na pauwi sa kanyang asawa. Ang iyong tinutugis ay buhay ng isang tao lamang, at ang buong bayan ay mapapayapa." Ang payo ay nagustuhan ni Absalom at ng lahat ng matatanda sa Israel. Nang magkagayo'y sinabi ni Absalom, "Tawagin mo rin si Husai na Archita, at pakinggan natin ang kanyang masasabi." Nang dumating si Husai kay Absalom, sinabi ni Absalom sa kanya, "Ganito ang sinabi ni Ahitofel; atin bang gagawin ang kanyang sinabi? Kung hindi, magsalita ka." At sinabi ni Husai kay Absalom, "Sa pagkakataong ito, ang payong ibinigay ni Ahitofel ay hindi mabuti." Bukod dito'y sinabi ni Husai, "Nalalaman mo na ang iyong ama at ang kanyang mga tauhan ay mga mandirigma at sila'y mababagsik na gaya ng isang oso na ninakawan ng kanyang mga anak sa parang. Bukod dito, ang iyong ama ay lalaking bihasa sa digmaan, hindi niya gugugulin ang gabi na kasama ng bayan. Siya'y nagkukubli ngayon sa isa sa mga hukay, o sa ibang lugar. Kapag ang ilan sa kanila ay nabuwal sa unang pagsalakay, sinumang makarinig roon ay magsasabi, 'May patayan sa mga taong sumusunod kay Absalom.' Kung gayon, maging ang matapang, na ang puso ay gaya ng puso ng leon, ay lubos na matutunaw sa takot; sapagkat nalalaman ng buong Israel na ang iyong ama ay isang mandirigma at ang mga tauhang kasama niya ay magigiting na mandirigma. Ngunit aking ipinapayo na ang buong Israel ay matipon sa iyo, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, na gaya ng buhangin na nasa tabi ng dagat ang dami; at ikaw ay pumaroon sa labanan. Sa gayo'y darating tayo sa kanya sa ibang dako na katatagpuan natin sa kanya, at tayo'y babagsak sa kanya na gaya ng hamog na bumabagsak sa lupa. Sa kanya at sa lahat ng mga tauhang kasama niya ay walang maiiwan kahit isa. Kung siya'y umurong sa isang lunsod, ang buong Israel ay magdadala ng mga lubid sa lunsod na iyon, at ating babatakin iyon sa libis, hanggang sa walang matagpuan doon kahit isang maliit na bato." At si Absalom at ang lahat na lalaki sa Israel ay nagsabi, "Ang payo ni Husai na Archita ay higit na mabuti kaysa payo ni Ahitofel." Sapagkat ipinasiya ng PANGINOON na madaig ang mabuting payo ni Ahitofel, upang madalhan ng PANGINOON ng kasamaan si Absalom. Nang magkagayo'y sinabi ni Husai kay Zadok at kay Abiatar na mga pari, "Ganoon at ganito ang ipinayo ni Ahitofel kay Absalom at sa mga matanda sa Israel; ganoon at ganito naman ang aking ipinayo. Ngayon magsugo kayo agad at sabihin kay David, 'Huwag kang tumigil sa gabing ito sa mga tawiran sa ilang, kundi sa anumang paraan ay tumawid ka; kung hindi ang hari at ang buong bayang kasama niya ay mauubos.'" Si Jonathan at si Ahimaaz ay naghihintay sa En-rogel. Isang alilang babae ang laging pumupunta at nagsasabi sa kanila, at sila'y pumupunta at nagsasabi kay Haring David; sapagkat hindi sila dapat makitang pumapasok sa lunsod. Ngunit nakita sila ng isang batang lalaki at nagsabi kay Absalom; kaya't sila'y kapwa mabilis na umalis at sila'y dumating sa bahay ng isang lalaki sa Bahurim, na may isang balon sa kanyang looban; at sila'y lumusong doon. Ang babae ay kumuha ng isang panakip at inilatag sa bunganga ng balon, at kinalatan ng mga trigo ang ibabaw nito; at walang nakaalam nito. Nang ang mga lingkod ni Absalom ay dumating sa babae na nasa bahay ay kanilang sinabi, "Saan naroon sina Ahimaaz at Jonathan?" At sinabi ng babae sa kanila, "Sila'y tumawid sa batis ng tubig." Nang sila'y maghanap at hindi nila matagpuan, bumalik na sila sa Jerusalem. Pagkatapos na sila'y makaalis, ang mga lalaki ay umahon sa balon, humayo at nagbalita kay Haring David. Sinabi nila kay David, "Tumindig kayo, at tumawid agad sa tubig, sapagkat ganoon at ganito ang ipinayo ni Ahitofel laban sa inyo." Kaya't tumindig si David at ang lahat ng taong kasama niya, at sila'y tumawid sa Jordan. Sa pagbubukang-liwayway ay walang naiwan kahit isa sa kanila na hindi nakatawid sa Jordan. Nang makita ni Ahitofel na ang kanyang payo ay hindi sinunod, kanyang inihanda ang kanyang asno at umuwi sa kanyang sariling lunsod. Inayos niya ang kanyang bahay at nagbigti. Siya'y namatay at inilibing sa libingan ng kanyang ama. Pagkatapos ay pumaroon si David sa Mahanaim. At si Absalom ay tumawid sa Jordan kasama ang lahat ng lalaki ng Israel. Inilagay ni Absalom si Amasa sa hukbo sa halip na si Joab. Si Amasa ay anak ng isang lalaki na ang pangalan ay Itra, na Israelita, nanapakasal kay Abigal na anak na babae ni Nahas, na kapatid ni Zeruia, na ina ni Joab. At ang Israel at si Absalom ay humimpil sa lupain ng Gilead. Nang dumating si David sa Mahanaim, si Sobi na anak ni Nahas na taga-Rabba sa mga anak ni Ammon, si Makir na anak ni Amiel na taga-Lodebar, at si Barzilai na Gi-leadita na taga-Rogelim, ay nagdala ng mga higaan, mga palanggana, mga sisidlang yari sa luwad, trigo, sebada, harina, butil na sinangag, mga patani, at pagkaing sinangag, pulot-pukyutan, mantekilya, mga tupa, at keso ng baka para kay David at sa mga taong kasama niya upang kainin; sapagkat kanilang sinabi, "Ang mga tao ay gutom, pagod, at uhaw sa ilang." Pagkatapos ay tinipon ni David ang mga tauhang kasama niya, at naglagay sa kanila ng mga pinuno sa mga libu-libo at pinuno ng mga daan-daan. Pinahayo ni David ang hukbo, ang isang ikatlong bahagi ay sa pamumuno ni Joab, at ang isa pang ikatlong bahagi ay sa pamumuno ni Abisai na anak ni Zeruia, na kapatid ni Joab, at ang isa pang ikatlong bahagi ay sa pamumuno ni Itai na Geteo. At sinabi ng hari sa hukbo, "Ako man ay lalabas ding kasama ninyo." Ngunit sinabi ng mga tao, "Hindi ka dapat lumabas, sapagkat kung kami man ay tumakas, hindi nila kami papansinin. Kung ang kalahati sa amin ay mamatay, hindi nila kami papansinin. Ngunit ang katumbas mo ay sampung libo sa amin; kaya't mas mabuti na ikaw ay magpadala ng tulong sa amin mula sa lunsod." Sinabi ng hari sa kanila, "Kung ano ang inaakala ninyong mabuti ay aking gagawin." At ang hari ay tumayo sa tabi ng pintuang-bayan, samantalang ang buong hukbo ay lumabas na daan-daan at libu-libo. At ang hari ay nag-utos kina Joab, Abisai, at Itai, "Pakitunguhan ninyong may kaawaan ang kabataang si Absalom, alang-alang sa akin." At narinig ng buong bayan nang nagbilin ang hari sa lahat ng punong kawal tungkol kay Absalom. Kaya't lumabas ang hukbo sa kaparangan laban sa Israel; at ang labanan ay naganap sa gubat ng Efraim. Ang hukbo ng Israel ay natalo doon ng mga lingkod ni David, at nagkaroon ng malaking patayan doon sa araw na iyon na may dalawampung libong katao. Ang labanan ay kumalat sa ibabaw ng buong lupain; at ang gubat ay lumamon ng mas maraming tao sa araw na iyon kaysa sa tabak. Nakasagupa ni Absalom ang mga lingkod ni David. Si Absalom ay nakasakay sa kanyang mola, at ang mola ay nagdaan sa ilalim ng mayabong na mga sanga ng isang malaking ensina. Ang kanyang ulo ay nasabit sa ensina, at siya'y naiwang nakabitin sa pagitan ng langit at lupa, samantalang ang molang nasa ilalim niya ay nagpatuloy. Nakita siya ng isang lalaki at sinabi kay Joab, "Tingnan ninyo, nakita ko si Absalom na nakabitin sa isang ensina." Sinabi ni Joab sa lalaking nagsabi sa kanya, "Ano, nakita mo siya! Bakit hindi mo siya agad pinatay doon? Matutuwa sana akong bigyan ka ng sampung pirasong pilak at isang pamigkis." Ngunit sinabi ng lalaki kay Joab, "Kahit maramdaman ko sa aking kamay ang bigat ng isang libong pirasong pilak, hindi ko iuunat ang aking kamay laban sa anak ng hari; sapagkat sa aming pandinig ay ibinilin ng hari sa iyo, kay Abisai, at kay Itai, Alang-alang sa akin ay ingatan ninyo ang kabataang si Absalom.' Sa ibang paraan, kung ako'y gumawa ng pagtataksil laban sa kanyang buhay (at walang bagay na maikukubli sa hari), ikaw man sa iyong sarili ay hindi mananagot. Nang magkagayo'y sinabi ni Joab, "Hindi ako magsasayang ng panahon na gaya nito sa iyo." At siya'y kumuha ng tatlong palaso sa kanyang kamay at itinusok sa puso ni Absalom, samantalang siya'y buhay pa sa gitna ng ensina. Sampung kabataang lalaki na tagadala ng sandata ni Joab ang pumalibot kay Absalom at kanilang pinatay siya. Hinipan ni Joab ang trumpeta at ang hukbo ay bumalik mula sa pagtugis sa Israel; sapagkat pinigil sila ni Joab. Kanilang kinuha si Absalom at kanilang inihagis siya sa isang malaking hukay sa gubat, at tinabunan siya ng isang malaking bunton ng bato. At ang buong Israel ay tumakas, bawat isa sa kanyang tolda. Si Absalom noong nabubuhay pa ay kumuha at nagtayo para sa kanyang sarili ng haligi na nasa libis ng hari, sapagkat kanyang sinabi, "Wala akong anak na lalaki na mag-iingat ng alaala ng aking pangalan," at kanyang tinawag ang haligi ayon sa kanyang sariling pangalan at ito ay tinawag na bantayog ni Absalom hanggang sa araw na ito. Sinabi ni Ahimaaz na anak ni Zadok, "Patakbuhin mo ako ngayon upang magdala ng balita sa hari na iniligtas siya ng PANGINOON sa kamay ng kanyang mga kaaway." At sinabi ni Joab sa kanya, "Hindi ka magdadala ng balita sa araw na ito; magdadala ka ng balita sa ibang araw. Ngunit sa araw na ito ay hindi ka magdadala ng balita, sapagkat ang anak ng hari ay patay na." Nang magkagayo'y sinabi ni Joab sa Cusita, "Humayo ka, sabihin mo sa hari kung ano ang iyong nakita." At ang Cusita ay yumukod kay Joab at tumakbo. Sinabing muli ni Ahimaaz na anak ni Zadok kay Joab, "Anuman ang mangyari, hayaan mong tumakbo rin akong kasunod ng Cusita." At sinabi ni Joab, "Bakit ka tatakbo, anak ko, gayong wala kang makukuhang gantimpala para sa balita?" "Kahit anong mangyari, ako ay tatakbo," ang sabi niya. Kaya't sinabi niya sa kanya, "Tumakbo ka." Nang magkagayo'y tumakbo si Ahimaaz sa daan ng kapatagan, at naunahan ang Cusita. Noon si David ay nakaupo sa pagitan ng dalawang pintuang-bayan; at ang bantay ay umakyat sa bubong ng pintuang-bayan sa may pader, at nang tumanaw siya sa malayo, nakita niya ang isang lalaking tumatakbong nag-iisa. Sumigaw ang bantay at sinabi sa hari. At sinabi ng hari, "Kung siya'y nag-iisa, may balita sa kanyang bibig." At siya'y nagpatuloy at lumapit. At ang bantay ay nakakita ng isa pang lalaki na tumatakbo at tinawag ng bantay ang bantay-pinto, at sinabi, "Tingnan ninyo, may isa pang lalaking tumatakbong nag-iisa." At sinabi ng hari, "Siya'y may dala ring balita." Sinabi ng bantay, "Sa palagay ko'y ang takbo ng nauuna ay gaya ng takbo ni Ahimaaz na anak ni Zadok." At sinabi ng hari, "Siya'y mabuting tao at dumarating na may dalang mabuting balita." Tumawag si Ahimaaz sa hari, "Lahat ay mabuti." At siya'y nagpatirapa sa lupa sa harap ng hari, at nagsabi, "Purihin ang PANGINOON mong Diyos na nagbigay ng mga lalaking nagtaas ng kanilang kamay laban sa aking panginoong hari." At sinabi ng hari, "Ligtas ba ang kabataang si Absalom?" Sumagot si Ahimaaz, "Nang ako'y suguin ni Joab na iyong lingkod, ako'y nakakita ng isang malaking kaguluhan, ngunit hindi ko alam kung ano iyon." Sinabi ng hari, "Tumabi ka at tumayo ka doon." Siya nga'y tumabi at tumayong tahimik. At ang Cusita ay dumating; at sinabi ng Cusita, "Mabuting balita para sa aking panginoong hari! Sapagkat iniligtas ka ng PANGINOON sa araw na ito mula sa kamay ng lahat ng naghimagsik laban sa iyo." Sinabi ng hari sa Cusita, "Ligtas ba ang kabataang si Absalom?" At sumagot ang Cusita, "Ang mga kaaway ng aking panginoong hari, at ang lahat ng naghimagsik laban sa iyo upang gawan ka ng masama ay maging gaya nawa ng kabataang iyon." "Nabagbag ang damdamin ng hari at umakyat siya sa silid na nasa ibabaw ng pintuang-bayan, at umiyak. Habang siya'y humahayo ay sinasabi niya, "O anak kong Absalom, anak ko, anak kong Absalom! Ako na sana ang namatay sa halip na ikaw, O Absalom, anak ko, anak ko!" Sinabi kay Joab, "Ang hari ay tumatangis at nagluluksa para kay Absalom." Kaya't ang tagumpay ng sa araw na iyon ay naging pagluluksa para sa buong bayan, sapagkat narinig ng bayan nang araw na iyon, "Ang hari ay nagdadalamhati dahil sa kanyang anak." Ang taong-bayan ay patagong pumasok sa lunsod nang araw na iyon gaya ng pagpasok ng bayang napapahiya kapag sila'y tumatakas sa labanan. Tinakpan ng hari ang kanyang mukha at siya ay sumigaw ng malakas. "O anak kong Absalom, O Absalom, anak ko, anak ko!" Pumasok si Joab sa bahay, lumapit sa hari at nagsabi, "Tinakpan mo ng kahihiyan ang mga mukha ng lahat ng iyong lingkod na sa araw na ito ay nagligtas ng iyong buhay at ng mga buhay ng iyong mga anak na lalaki at babae, at ng mga buhay ng iyong mga asawa, at ng mga buhay ng iyong mga asawang-lingkod, sapagkat iniibig mo ang mga napopoot sa iyo at kinapopootan mo ang mga umiibig sa iyo. Ipinahayag mo sa araw na ito na ang mga pinuno at mga lingkod ay walang kabuluhan sa iyo. Sa araw na ito ay aking napag-alaman na kung si Absalom ay buhay at kaming lahat ay namatay ngayon, ikaw ay masisiyahan. Ngayon nga'y bumangon ka, lumabas ka, at magsalita na may kagandahang-loob sa iyong mga lingkod. Sapagkat isinusumpa ko sa pangalan ng PANGINOON, na kung ikaw ay hindi lalabas, wala ni isang taong maiiwan sa iyo sa gabing ito; at ito'y magiging masahol sa iyo kaysa lahat ng kasamaang sumapit sa iyo mula nang iyong kabataan hanggang ngayon." Nang magkagayo'y tumindig ang hari at naupo sa pintuang-bayan. At sinabi sa buong bayan, 'Tingnan ninyo, ang hari ay nakaupo sa pintuang-bayan;" at ang buong bayan ay pumaroon sa harap ng hari. Samantala, ang lahat ng Israelita ay umalis patungo sa kanya-kanyang tolda. Ang lahat ng mga tao ay nagtalu-talo sa buong lipi ng Israel, na sinasabi, "Iniligtas tayo ng hari sa kamay ng ating mga kaaway; at iniligtas niya tayo sa kamay ng mga Filisteo; at ngayo'y tumakas siya papalabas sa lupain mula kay Absalom. Subalit si Absalom na ating hinirang upang maghari sa atin ay namatay sa labanan. Ngayon nga'y bakit hindi kayo nagsasalita ng tungkol sa pagpapabalik sa hari?" Nagpadala ng mensahe si Haring David kay Zadok at kay Abiatar na mga pari, na sinasabi, "Sabihin ninyo sa matatanda ng Juda, 'Bakit kayo ang dapat maging huli sa pagpapabalik sa hari sa kanyang bahay, gayong ang pananalita ng buong Israel ay dumating na sa hari? Kayo'y aking mga kapatid, kayo'y aking buto at aking laman, bakit kayo ang dapat maging huli sa pagpapabalik sa hari?' Sabihin ninyo kay Amasa,'Hindi ba ikaw ay aking buto at laman? Gawin ng Diyos sa akin, at higit pa, kung ikaw ay hindi maging pinuno ng aking hukbo mula ngayon bilang kapalit ni Joab.'" Nahikayat ni Amasa ang puso ng lahat ng mga lalaki ng Juda na parang isang tao; kaya't sila'y nagpasabi sa hari, "Bumalik ka, ikaw at ang lahat mong mga lingkod." Kaya't bumalik ang hari sa Jordan; at ang Juda ay dumating sa Gilgal upang salubungin ang hari at upang itawid ang hari sa Jordan. Si Shimei na anak ni Gera, na Benjaminita, na taga-Bahurim ay nagmadali upang lumusong na kasama ang mga lalaki ng Juda at salubungin si Haring David. Kasama niya ang may isanlibong lalaki ng Benjamin. At si Ziba na lingkod sa sambahayan ni Saul, at ang kanyang labinlimang anak at dalawampung lingkod ay tumawid sa Jordan sa harapan ng hari. Sila'y tumawid sa tawiran upang itawid ang sambahayan ng hari, at gawin ang kanyang inaakalang mabuti. At si Shimei na anak ni Gera ay nagpatirapa sa harap ng hari nang siya'y malapit nang tumawid sa Jordan. At sinabi niya sa hari, "Huwag nawa akong ituring ng panginoon na nagkasala o alalahanin man ang ginawang kamalian ng iyong lingkod nang araw na ang aking panginoong hari ay umalis sa Jerusalem. Huwag nawang isipin iyon ng hari. Sapagkat nalalaman ng iyong lingkod na ako'y nagkasala; kaya't ako'y naparito sa araw na ito, ang una sa lahat ng sambahayan ni Jose na lumusong upang salubungin ang aking panginoong hari." Si Abisai na anak ni Zeruia ay sumagot, "Hindi ba dapat patayin si Shimei dahil dito, sapagkat kanyang nilait ang hinirang ng PANGINOON?" Ngunit sinabi ni David, "Ano ang pakialam ko sa inyo, mga anak ni Zeruia, na kayo'y magiging mga kaaway ko sa araw na ito? Mayroon bang papatayin sa araw na ito sa Israel? Sapagkat hindi ko ba nalalaman na ako'y hari sa Israel sa araw na ito?" Sinabi ng hari kay Shimei, "Ikaw ay hindi mamamatay." At ang hari ay sumumpa sa kanya. Si Mefiboset na anak ni Saul ay lumusong upang salubungin ang hari. Hindi siya naghugas ng kanyang mga paa, o inahitan man ang kanyang balbas, o nilabhan man ang kanyang mga damit, mula nang araw na ang hari ay umalis hanggang sa araw na siya'y umuwing ligtas sa bahay. Nang siya'y dumating mula sa Jerusalem upang salubungin ang hari, sinabi ng hari sa kanya, "Bakit hindi ka humayong kasama ko, Mefiboset?" At siya'y sumagot, "Panginoon ko, O hari, dinaya ako ng aking lingkod; sapagkat sinabi ng iyong lingkod, 'Ako'y ipaghanda ng isang asno, upang aking masakyan at humayong kasama ng hari;' sapagkat ang iyong lingkod ay pilay. Kanyang siniraang-puri ang iyong lingkod sa aking panginoong hari. Ngunit ang panginoon kong hari ay gaya ng isang anghel ng Diyos; kaya't gawin mo kung ano ang minamabuti mo. Sapagkat lahat ng sambahayan ng aking ama ay mga taong patungo sa kamatayan sa harapan ng panginoon kong hari: gayunma'y inilagay mo ang iyong lingkod na kasama ng mga kumakain sa iyong hapag. Kung gayon, ano pang karapatan mayroon ako upang makiusap sa hari?" At sinabi ng hari sa kanya, "Huwag ka nang magsalita pa. Aking naipasiya na. Ikaw at si Ziba ay maghahati sa lupa." Sinabi ni Mefiboset sa hari, "Hayaan mo nang kunin niyang lahat, yamang ang aking panginoong hari ay nakauwing ligtas sa kanyang sariling bahay." At si Barzilai na Gileadita ay lumusong mula sa Rogelim. Siya'y tumawid sa Jordan na kasama ng hari, upang ihatid siya sa kabila ng Jordan. Si Barzilai ay lalaking napakatanda na, walumpung taong gulang. Binigyan niya ng pagkain ang hari samantalang siya'y nasa Mahanaim; sapagkat siya'y isang napakayamang tao. At sinabi ng hari kay Barzilai, "Tumawid kang kasama ko, at aking pakakainin kang kasama ko sa Jerusalem." Ngunit sinabi ni Barzilai sa hari, "Gaano na lamang ang mga taon na aking ikabubuhay, na ako'y aahon pa sa Jerusalem na kasama ng hari? Ako'y walumpung taon na sa araw na ito, malalaman ko pa ba kung ano ang mabuti? Malalasahan pa ba ng iyong lingkod ang kanyang kinakain at iniinom? Maririnig ko pa ba ang tinig ng mang-aawit na lalaki at babae? Bakit pa magiging dagdag na pasan ang iyong lingkod sa aking panginoong hari? Ang iyong lingkod ay hahayo lamang ng kaunti sa kabila ng Jordan na kasama ng hari. Bakit gagantihan ako ng hari ng ganyang gantimpala? Hinihiling ko sa iyo na pabalikin mo ang iyong lingkod, upang ako'y mamatay sa aking sariling bayan, malapit sa libingan ng aking ama at ng aking ina. Ngunit narito ang iyong lingkod na Ghimham; hayaan siyang tumawid na kasama ng aking panginoong hari; at gawin mo sa kanya kung ano ang inaakala mong mabuti." Sumagot ang hari, "Si Chimham ay tatawid na kasama ko, at gagawin ko sa kanya ang inaakala mong mabuti; at lahat ng iyong nais sa akin ay aking gagawin alang-alang sa iyo." At ang buong bayan ay tumawid sa Jordan, at ang hari ay tumawid. At hinagkan ng hari si Barzilai, at binasbasan siya; at siya'y umuwi sa kanyang sariling tahanan. Ang hari ay nagtungo sa Gilgal at si Chimham ay nagtungong kasama niya. Inihatid ang hari ng buong bayan ng Juda at ng kalahati ng bayan ng Israel. Lahat ng kalalakihan ng Israel ay pumunta sa hari, at sinabi sa hari, "Bakit ka ninakaw ng aming mga kapatid na mga lalaki ng Juda, at itinawid ang hari at ang kanyang sambahayan sa Jordan, at ang lahat ng tauhan ni David na kasama niya?" Lahat ng mamamayan ng Juda ay sumagot sa mga mamamayan ng Israel, "Sapagkat ang hari ay malapit naming kamag-anak. Bakit kayo nagagalit dahil sa bagay na ito? Mayroon ba kaming kinain na ginastusan ng hari? O binigyan ba niya kami ng anumang kaloob?" Ngunit sinagot ng mga mamamayan ng Israel ang mga mamamayan ng Juda, "Kami ay may sampung bahagi sa hari, at kay David ay mayroon kaming higit kaysa inyo. Bakit ninyo kami hinahamak? Hindi ba kami ang unang nagsalita tungkol sa pagpapabalik sa aming hari?" Ngunit ang mga salita ng mga mamamayan ng Juda ay higit na mababagsik kaysa mga salita ng mga mamamayan ng Israel. Nagkataon na roon ay may isang masamang tao na ang pangala'y Seba, na anak ni Bicri, na Benjaminita. Kanyang hinipan ang trumpeta, at nagsabi, "Kami ay walang bahagi kay David, o anumang pamana sa anak ni Jesse; bawat tao ay sa kanyang mga tolda, O Israel!" Kaya't iniwan si David ng lahat ng mga lalaki ng Israel at sumunod kay Seba na anak ni Bicri. Ngunit ang mga anak ni Juda ay matatag na sumunod sa kanilang hari, mula sa Jordan hanggang sa Jerusalem. At dumating si David sa kanyang bahay sa Jerusalem. Kinuha ng hari ang kanyang sampung asawang-lingkod na siyang iniwan niya upang pangalagaan ang bahay, at inilagay sila sa isang bahay na may bantay. Hinandaan sila ng pagkain ngunit hindi siya sumiping sa kanila. Sa gayo'y nasarhan sila hanggang sa araw ng kanilang kamatayan, na nabubuhay na parang mga balo. Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Amasa, "Tipunin mo sa akin ang mga lalaki ng Juda sa loob ng tatlong araw, at humarap ka rito." Kaya't humayo si Amasa upang tipunin ang Juda; ngunit siya'y naantala nang higit kaysa panahong itinakda sa kanya. Sinabi ni David kay Abisai, "Si Seba na anak ni Bicri ay gagawa ng higit na masama kaysa ginawa ni Absalom. Kunin mo ngayon ang mga lingkod ng iyong panginoon at habulin ninyo siya, baka siya'y makakuha ng mga may pader na lunsod at makatakas sa ating paningin." At lumabas na kasama ni Abisai sina Joab, ang mga Kereteo, mga Peleteo, at ang lahat ng mga mandirigma. Sila'y lumabas sa Jerusalem upang habulin si Seba na anak ni Bicri. Nang sila'y nasa malaking bato na nasa Gibeon, si Amasa ay dumating upang salubungin sila. Si Joab ay may kasuotang pandigma, at sa ibabaw niyon ay ang pamigkis na may tabak sa kanyang kaluban na nakatali sa kanyang mga balakang. Samantalang siya'y lumalabas ito ay nahulog. At sinabi ni Joab kay Amasa, "Kumusta ka, kapatid ko?" At hinawakan ni Joab sa balbas si Amasa ng kanyang kanang kamay upang hagkan siya. Ngunit hindi napansin ni Amasa ang tabak na nasa kamay ni Joab. Itinarak ito ni Joab sa katawan ni Amasa at lumuwa ang bituka nito sa lupa at ito ay namatay. Ito ay hindi na niya inulit pa. At hinabol nina Joab at Abisai na kanyang kapatid si Seba na anak ni Bicri. Isa sa mga tauhan ni Joab ay pumanig kay Amasa, at nagsabi, "Sinumang panig kay Joab, at sinumang para kay David, ay sumunod kay Joab." Samantala, si Amasa ay nakahandusay sa gitna ng lansangan na naliligo sa sariling dugo. At sinumang magdaan at makakita sa kanya ay humihinto. Nang makita ng lalaki na ang lahat ng tao ay huminto, dinala niya si Amasa mula sa lansangan hanggang sa parang, at tinakpan siya ng isang kasuotan. Nang siya'y maialis sa lansangan, ang buong bayan ay sumunod kay Joab upang habulin si Seba na anak ni Bicri. Si Seba ay dumaan sa lahat ng mga lipi ng Israel, sa Abel, hanggang sa Bet-maaca. At ang lahat na Berita ay nagtipun-tipon at sumunod sa kanya. Lahat ng taong kasama ni Joab ay dumating at kinubkob siya sa Abel ng Bet-maaca. Naglagay sila ng isang bunton laban sa lunsod, at ito ay tumayo laban sa kuta; at kanilang binundol ang kuta upang ito ay maibuwal. At sumigaw ang isang matalinong babae mula sa lunsod, "Makinig kayo! Makinig kayo! Sabihin ninyo kay Joab, 'Pumarito ka upang ako'y makapagsalita sa iyo.'" Siya'y lumapit sa kanya at sinabi ng babae, "Ikaw ba'y si Joab?" Siya'y sumagot, "Ako nga." At sinabi niya sa kanya, "Pakinggan mo ang mga salita ng iyong lingkod." At siya'y sumagot, "Aking pinapakinggan." At sinabi niya, "Sinasabi nang unang panahon, 'Humingi sila ng payo kay Abel; sa gayo'y tinapos nila ang usapin.' Ako'y isa roon sa mga tahimik at tapat sa Israel. Sinisikap mong gibain ang isang lunsod na isang ina sa Israel. Bakit mo lulunukin ang pamanang Panginoon?" Si Joab ay sumagot, "Malayo nawa sa akin, malayo nawa na aking lunukin o gibain. Hindi iyon totoo. Subalit isang lalaki sa lupaing maburol ng Efraim, na tinatawag na Seba na anak ni Bicri, ang nagtaas ng kanyang kamay laban sa Haring David. Ibigay mo lamang siya sa akin at ako'y aalis sa lunsod." At sinabi ng babae kay Joab, "Ang kanyang ulo ay ihahagis ko sa iyo sa kabila ng kuta." At ang babae ay lumapit sa mga tao na dala ang kanyang matalinong panukala. Kanilang pinugot ang ulo ni Seba na anak ni Bicri at inihagis papalabas kay Joab. Kanyang hinipan ang trumpeta at sila'y kumalat mula sa lunsod, bawat tao ay sa kanyang tolda. At si Joab ay bumalik sa Jerusalem sa hari. Ngayo'y si Joab ang namumuno sa buong hukbo ng Israel; si Benaya na anak ni Jehoiada ang namumuno sa mga Kereteo at sa mga Peleteo; si Adoram ang namumuno sa sapilitang paggawa; si Jehoshafat na anak ni Ahilud ay tagasulat; si Seva ay kalihim; sina Zadok at Abiatar ay mga pari; at si Ira na taga-Jair ay pari rin ni David. Samantala, nagkaroon ng taggutom sa mga araw ni David, taun-taon sa loob ng tatlong taon; at nag-usisa si David sa PANGINOON. At sinabi ng PANGINOON, "May pagkakasala kay Saul at sa kanyang sambahayan, sapagkat kanyang ipinapatay ang mga Gibeonita." Kaya't tinawag ng hari ang mga Gibeonita. Ang mga Gibeonita ay hindi mga anak ni Israel, kundi mula sa nalabi sa mga Amoreo. Bagaman ang mga anak ni Israel ay sumumpang iligtas sila, pinagsikapan ni Saul na patayin sila dahil sa kanyang sigasig para sa bayan ng Israel at Juda. At sinabi ni David sa mga Gibeonita, "Ano ang gagawin ko para sa inyo? At paano ko matutubos, upang inyong mabasbasan ang pamana ng PANGINOON?" Sinabi ng mga Gibeonita sa kanya, "Hindi tungkol sa pilak o ginto ang namamagitan sa amin at kay Saul, o sa kanyang sambahayan. Hindi rin para sa amin na patayin ang sinumang tao sa Israel." At kanyang sinabi, "Anumang sabihin ninyo ay aking gagawin sa inyo?" Kanilang sinabi sa hari, "Ang lalaking pumuksa sa amin at nagpanukalang lipulin kami, upang huwag kaming magkaroon ng lugar sa buong nasasakupan ng Israel, ay ibigay sa amin ang pito sa kanyang mga anak, upang aming ibitin sila sa harapan ng PANGINOON sa Gibeon sa bundok ng PANGINOON." At sinabi ng hari, "Ibibigay ko sila." Ngunit iniligtas ng hari si Mefiboset na anak ni Jonathan, na anak ni Saul, dahil sa panata ng PANGINOON na namamagitan sa kanila, kina David at Jonathan na anak ni Saul. Kinuha ng hari ang dalawang anak ni Rispa, na anak ni Aya, na kanyang ipinanganak kay Saul, sina Armoni at Mefiboset at ang limang anak ni Mical na anak na babae ni Saul na kanyang ipinanganak kay Adriel na anak ni Barzilai, na Meholatita; at kanyang ibinigay sila sa mga kamay ng mga Gibeonita at kanilang ibinitin sila sa bundok sa harapan ng PANGINOON, at magkakasamang namatay ang pito. Sila'y pinatay sa mga unang mga araw ng pag-aani, sa pasimula ng pag-aani ng sebada. Kumuha si Rispa na anak ni Aya ng isang magaspang na tela, at inilatag para sa kanyang sarili sa ibabaw ng bato, mula sa pasimula ng pag-aani hanggang sa ang ulan ay bumuhos mula sa langit. Hindi niya hinayaan ang mga ibon sa himpapawid na dumapo kapag araw o ang mga hayop sa parang kapag gabi. Nang sabihin kay David ang ginawa ni Rispa na anak ni Aya, na babae ni Saul, humayo si David at kinuha ang mga buto nina Saul at Jonathan na kanyang anak sa mga lalaki ng Jabes-gilead, na siyang nagnanakaw ng mga iyon sa liwasang-bayan ng Bet-shan, sa lugar na pinagbitinan sa kanila ng mga Filisteo, nang araw na patayin ng mga Filisteo si Saul sa Gilboa. Kanyang kinuha mula roon ang mga buto nina Saul at Jonathan na kanyang anak; at kanilang tinipon ang mga buto ng mga ibinitin. Kanilang ibinaon ang mga buto nina Saul at Jonathan na kanyang anak sa lupain ng Benjamin sa Zela, sa libingan ni Kish na kanyang ama; at kanilang tinupad ang lahat na iniutos ng hari. Pagkatapos, ang Diyos ay tumugon sa dalangin para sa lupain. Ang mga Filisteo ay muling nakipagdigma sa Israel; at si David ay lumusong kasama ang kanyang mga lingkod at sila'y lumaban sa mga Filisteo; at si David ay napagod. At si Isbibenob, na isa sa mga anak ng higante na ang bigat ng kanyang sibat ay tatlongdaang siklong tanso, na may bigkis ng bagong tabak ay nagpanukalang patayin si David. Ngunit sinaklolohan siya ni Abisai na anak ni Zeruia, at sinalakay ang Filisteo at pinatay siya. Nang magkagayo'y sumumpa sa kanya ang mga tauhan ni David, "Hindi ka na lalabas pang kasama namin sa labanan, baka mo patayin ang tanglaw ng Israel." Pagkatapos nito, muling nagkaroon ng pakikipaglaban sa mga Filisteo sa Gob; nang magkagayo'y pinatay ni Shibecai na Husatita si Saf, na isa sa mga anak ng higante. Muling nagkaroon ng pakikipaglaban sa mga Filisteo sa Gob; at pinatay ni Elhanan na anak ni Jaareoregim, na taga-Bethlehem, si Goliat na Geteo, na ang puluhan ng kanyang sibat ay gaya ng panghabi ng manghahabi. At muling nagkaroon ng labanan sa Gat, na roo'y may isang lalaking napakatangkad, na sa bawat kamay ay may anim na daliri, at sa bawat paa'y may anim na daliri, na dalawampu't apat ang bilang. Siya man ay mula sa mga higante. Nang kanyang tuyain ang Israel, pinatay siya ni Jonathan na anak ni Shimei, na kapatid ni David. Ang apat na ito ay buhat sa lahing higante sa Gat; at sila'y nabuwal sa pamamagitan ng kamay ni David, at ng kamay ng kanyang mga lingkod. At binigkas ni David sa PANGINOON ang mga salita ng awit na ito nang araw na iligtas siya ng PANGINOON mula sa kamay ng lahat ng kanyang mga kaaway, at sa kamay ni Saul. At kanyang sinabi, "Ang PANGINOON ang aking malaking bato, ang aking tanggulan, at tagapagligtas ko, ang aking Diyos, ang aking malaking bato, na sa kanya'y nanganganlong ako, ang aking kalasag, at sungay ng aking kaligtasan, ang aking matayog na muog at aking kanlungan. Tagapagligtas ko, ikaw ang nagliligtas sa akin mula sa karahasan. Ako'y tatawag sa PANGINOON na siyang karapat-dapat papurihan, at ako'y inililigtas sa aking mga kaaway. "Sapagkat pumalibot sa akin ang mga alon ng kamatayan, dumaluhong sa akin ang mga agos ng kapahamakan, ang mga panali ng Sheol ay nagkabuhul-buhol sa akin, ang mga silo ng kamatayan ay humarap sa akin. "Tumawag ako sa PANGINOON sa aking kagipitan, sa aking Diyos ako'y nanawagan. Mula sa kanyang templo ay narinig niya ang aking tinig, at ang aking daing ay umabot sa kanyang mga pandinig. "Nang magkagayo'y ang lupa'y umuga at nayanig, ang mga saligan ng mga langit ay nanginig at nilindol, sapagkat siya'y nagalit. Ang usok ay pumaitaas mula sa kanyang ilong, at mula sa kanyang bibig ay ang apoy na lumalamon; nag-aalab na mga baga mula sa kanya ay umapoy. Kanyang pinayukod ang langit, at bumaba; makakapal na kadiliman ang nasa ilalim ng kanyang mga paa. Siya'y sumakay sa isang kerubin at lumipad; siya'y nakita sa mga pakpak ng hangin. Ang kadilimang nasa paligid niya ay ginawa niyang kanyang lambong, makakapal na ulap, tubig na nagtipun-tipon. Mula sa kaningningan sa kanyang harapan, mga bagang apoy ay nag-alab. Ang PANGINOON ay kumulog mula sa langit, at ang Kataas-taasan ay bumigkas ng kanyang tinig. At siya'y nagpakawala ng mga palaso, at pinapangalat sila; kumidlat, at pinuksa sila. Kaya't ang mga daluyan sa dagat ay lumitaw, nalantad ang mga saligan ng sanlibutan, dahil sa saway ng PANGINOON, sa hihip ng hininga ng kanyang ilong. "Siya'y bumaba mula sa itaas, ako'y kanyang sinagip, iniahon niya ako mula sa maraming tubig. Iniligtas niya ako sa aking malakas na kaaway, mula sa mga napopoot sa akin; sapagkat sila'y napakalakas para sa akin. Sila'y dumating sa akin sa araw ng aking kapahamakan, ngunit ang PANGINOON ay siya kong sanggalang. Dinala niya ako sa isang malawak na dako; sapagkat siya'y nalulugod sa akin, iniligtas niya ako. "Ginantimpalaan ako ng PANGINOON ayon sa aking katuwiran; ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ay kanya akong ginantihan. Sapagkat ang mga daan ng PANGINOON ay aking iningatan, at mula sa aking Diyos ay hindi humiwalay na may kasamaan. Sapagkat ang lahat niyang batas ay nasa aking harapan, at mula sa kanyang mga tuntunin ay hindi ako humiwalay. Ako'y walang kapintasan sa harapan niya, at iningatan ko ang aking sarili mula sa pagkakasala. Kaya't ginantihan ako ng PANGINOON ayon sa aking katuwiran, ayon sa aking kalinisan sa kanyang harapan. "Sa tapat ay nagpapakita ka ng katapatan; sa taong walang kapintasan ay nagpapakita ka ng pagiging walang kapintasan: sa dalisay ay magpapakita ka ng kadalisayan; at sa mga liko ay magpapakita ka ng kalikuan. Inililigtas mo ang isang bayang mapagpakumbaba, ngunit ang iyong mga mata ay nasa mga mapagmataas upang sila'y iyong maibaba. Oo, ikaw ang aking ilawan, O PANGINOON: at tinatanglawan ng aking Diyos ang aking kadiliman. Oo, sa pamamagitan mo ang isang pangkat ay aking mapupuksa, at sa pamamagitan ng aking Diyos ay aking malulukso ang isang kuta. Ang Diyos na ito — sakdal ang kanyang daan; ang pangako ng PANGINOON ay subok na tunay; sa lahat ng kumakanlong sa kanya, siya'y pananggalang. "Sapagkat sino ang Diyos, kundi ang PANGINOON? At sino ang malaking bato, liban sa ating Diyos? Ang Diyos ay aking matibay na tanggulan, at ginawa niyang ligtas ang aking daan. Ginawa niyang gaya ng sa mga usa ang mga paa ko; at pinatatag niya ako sa matataas na dako. Kanyang sinasanay ang aking mga kamay sa pakikidigma. upang mabaluktot ng aking mga kamay ang tansong pana. Binigyan mo ako ng kalasag ng iyong kaligtasan, at pinadakila ako ng iyong kaamuan.'" Binigyan mo ng malawak na dako, ang aking mga hakbang sa ilalim ko, at ang aking mga paa ay hindi nadulas; Tinugis ko ang aking mga kaaway at pinuksa sila, at hindi ako bumalik hanggang sa sila'y nalipol. Nilipol ko sila; inulos ko, anupa't sila'y hindi nakabangon; sila'y nabuwal sa paanan ko. Sapagkat ako'y binigkisan mo ng lakas para sa pakikipaghamok, ang aking mga kaaway, sa ilalim ko ay iyong pinalubog. Iyong pinatalikod sa akin ang mga kaaway ko, yaong mga napopoot sa akin, at sila'y pinuksa ko. Sila'y tumingin, ngunit walang magliligtas; sila'y dumaing sa PANGINOON, ngunit sila'y hindi niya tinugon. Binayo ko silang gaya ng alabok sa lupa; dinurog ko sila at niyurakang gaya ng putik sa mga lansangan. "Iniligtas mo ako sa mga alitan sa aking bayan; iningatan mo ako bilang puno ng mga bansa; naglingkod sa akin ang mga taong hindi ko kilala. Ang mga dayuhan ay dumating na sumusuko sa akin, pagkarinig nila sa akin, sila'y sumunod sa akin. Ang mga dayuhan ay nanlulupaypay, at lumabas na nanginginig mula sa kanilang mga kublihan. "Ang PANGINOON ay buhay; at ang aking malaking bato'y papurihan; at dakilain ang Diyos, ang malaking bato ng aking kaligtasan, ang Diyos na ipinaghiganti ako ang mga bayan ay inilagay sa ilalim ko, na siyang naglabas sa akin mula sa aking mga kaaway; sa ibabaw ng aking mga kaaway ako'y iyong tinanghal, iniligtas mo ako sa mga taong mahilig sa karahasan. "Dahil dito'y pupurihin kita, O PANGINOON, sa gitna ng mga bansa, at aawitan ko ang iyong pangalan ng mga pagdakila. Dakilang pagtatagumpay ang sa kanyang hari'y ibinibigay, at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa kanyang hinirang, kay David at sa kanyang binhi magpakailanman." Ngayon, ito ang mga huling salita ni David: Ang mga sinabi ni David na anak ni Jesse, ang sinabi ng lalaking inilagay sa itaas, ang hinirang ng Diyos ni Jacob, ang matamis na mang-aawit ng Israel: "Ang Espiritu ng PANGINOON ay nagsasalita sa pamamagitan ko, ang kanyang salita ay nasa aking dila. Ang Diyos ng Israel ay nagsalita, sinabi sa akin ng Malaking Bato ng Israel: Kapag ang isang tao ay may katarungang namumuno sa mga tao, na namumunong may takot sa Diyos, siya'y sisikat sa kanila gaya ng liwanag sa umaga, gaya ng araw na sumisikat sa isang umagang walang ulap, gaya ng ulan na nagpapasibol ng damo sa lupa. Hindi ba't ang aking sambahayan ay natatag nang gayon sa harapan ng Diyos? Sapagkat siya'y nakipagtipan sa akin ng isang walang hanggang tipan, maayos sa lahat ng mga bagay at matatag. Sapagkat hindi ba niya pasasaganain lahat ng aking tulong at aking nais? Ngunit ang mga taong masasama ay gaya ng mga tinik na itinatapon; sapagkat sila ay hindi makukuha ng kamay; ngunit ang taong humihipo sa kanila, ay nagsasandata ng bakal at ng puluhan ng sibat; at sila'y lubos na tinutupok ng apoy." Ito ang mga pangalan ng mga mandirigma ni David: Si Josheb-bashebet na Takemonita, na pinuno ng mga kapitan; ginamit niya ang kanyang sibat sa walong daan na pinatay niya nang minsanan. At kasunod niya sa tatlong magigiting na mandirigma ay si Eleazar, na anak ni Dodo, na anak ng isang Ahohita. Siya ay kasama ni David nang hamunin nila ang mga Filisteo na nagkakatipon doon upang makipaglaban, at ang mga tauhan ng Israel ay umalis. Siya'y bumangon at nilabanan ang mga Filisteo hanggang sa ang kanyang kamay ay nangalay, at ang kanyang kamay ay dumikit sa tabak; at ang PANGINOON ay gumawa ng dakilang pagtatagumpay sa araw na iyon; at ang hukbo ay bumalik na kasunod niya, upang manamsam lamang sa mga napatay. At kasunod niya'y si Shammah na anak ni Age, na Hararita. Ang mga Filisteo ay nagtipun-tipon sa Lehi, na kinaroroonan ng isang pirasong lupa na puno ng lentehas; at ang mga tauhan ay tumakas sa mga Filisteo. Ngunit siya'y nanatili sa gitna ng taniman at ipinagtanggol ito, at pinatay ang mga Filisteo; at ang PANGINOON ay gumawa ng isang dakilang tagumpay. At tatlo sa tatlumpung pinuno ay lumusong at pumunta kay David sa panahon ng pag-aani sa yungib ng Adullam nang ang isang pulutong ng mga Filisteo ay nakahimpil sa libis ng Refaim. Si David noon ay nasa kuta, at ang pulutong noon ng mga Filisteo ay nasa Bethlehem. May pananabik na sinabi ni David, "O may magbigay sana sa akin ng tubig na maiinom mula sa balon ng Bethlehem, na nasa tabi ng pintuang-bayan!" At ang tatlong mandirigma ay pumasok sa kampo ng mga Filisteo, at umigib ng tubig sa balon ng Bethlehem, na nasa tabi ng pintuang bayan, kumuha ng tubig at dinala kay David. Ngunit ayaw niyang inumin iyon, kundi kanyang ibinuhos na alay sa PANGINOON, at kanyang sinabi, "Malayo nawa sa akin, O PANGINOON, na aking gawin ito. Iinumin ko ba ang dugo ng mga lalaki na pumaroon at itinaya ang kanilang buhay?" Kaya't ayaw niya itong inumin. Ang mga bagay na ito ay ginawa ng tatlong mandirigma. At si Abisai, na kapatid ni Joab, na anak ni Zeruia ay pinuno ng tatlumpu. At kanyang ginamit ang kanyang sibat laban sa tatlong daan at kanyang pinatay sila, at nagkamit ng pangalan bukod sa tatlo. Siya ang pinakabantog sa tatlumpu, at naging kanilang pinuno; subalit hindi siya umabot sa tatlo. Si Benaya, na anak ni Jehoiada ay isang matapang na lalaki na taga-Kabzeel, isang gumagawa ng mga dakilang gawa; na kanyang pinatay ang dalawang anak ni Ariel ng Moab. Siya'y lumusong din at pumatay ng isang leon sa isang hukay nang araw na bumagsak ang niyebe. Siya'y pumatay ng isang Ehipcio na isang magandang lalaki. Ang Ehipcio ay may sibat sa kanyang kamay; ngunit si Benaya ay lumusong sa kanya na may tungkod, at inagaw niya ang sibat sa kamay ng Ehipcio, at kanyang pinatay siya ng kanyang sariling sibat. Ang mga bagay na ito ay ginawa ni Benaya, na anak ni Jehoiada, at nagkamit ng pangalan bukod sa tatlong magigiting na mandirigma. Siya'y bantog sa tatlumpu, ngunit hindi siya umabot sa tatlo. At inilagay siya ni David na pinuno sa kanyang bantay. si Asahel na kapatid ni Joab ay isa sa tatlumpu; si Elhanan na anak ni Dodo, na taga-Bethlehem, si Shammah na Harodita, si Elica na Harodita, si Heles na Paltita, si Ira na anak ni Ikkes na Tekoita. si Abiezer na Anatotita, si Mebunai na Husatita, si Zalmon na Ahohita, si Maharai na Netofatita, si Heleb na anak ni Baana, na Netofatita, si Itai na anak ni Ribai, na taga-Gibea, sa mga anak ni Benjamin. si Benaya na Piratonita, si Hiddai sa mga batis ng Gaas, si Abialbon na Arbatita, si Azmavet ng Bahurim, si Eliaba ng Saalbon, ang mga anak ni Jassen, si Jonathan, si Shammah na Hararita, si Ahiam na anak ni Sarar, na Hararita, si Elifelet na anak ni Asbai, na anak ni Maaca, si Eliam na anak ni Ahitofel ng Gilo, si Hesrai ng Carmel, si Farai na Arbita; si Igal na anak ni Natan na taga-Soba, si Bani na Gadita, si Selec na Ammonita, si Naharai ng Beerot, na mga tagadala ng sandata ni Joab na anak ni Zeruia; si Ira na Itreo, si Gareb na Itreo, si Urias na Heteo: silang lahat ay tatlumpu't pito. Ang galit ng PANGINOON ay muling nagningas laban sa Israel, at kanyang kinilos si David laban sa kanila, na sinasabi, "Humayo ka at bilangin mo ang Israel at Juda." Kaya't sinabi ng hari kay Joab na pinuno ng hukbo, na kasama niya, "Pumaroon ka sa lahat ng mga lipi ng Israel, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, at bilangin ninyo ang bayan upang aking malaman ang bilang ng bayan." Ngunit sinabi ni Joab sa hari, "Nawa'y dagdagan ng PANGINOON mong Diyos ang bayan ng ilang daang ulit pa kaysa bilang nila, habang nakikita ito ng mga mata ng aking panginoong hari; ngunit bakit nalulugod ang panginoon kong hari sa bagay na ito?" Ngunit ang salita ng hari ay nanaig laban kay Joab, at laban sa mga puno ng hukbo. Kaya't si Joab at ang mga pinuno ng hukbo ay lumabas mula sa harapan ng hari upang bilangin ang bayan ng Israel. Sila'y tumawid ng Jordan, nagsimula sa Aroer at mula sa lunsod na nasa gitna ng libis, patungo sa Gad hanggang sa Jazer. At dumating sila sa Gilead, at sa Kadesh sa lupain ng mga Heteo; dumating sila sa Dan, at mula sa Dan ay lumibot sila sa Sidon. Dumating sila sa kuta ng Tiro, at sa lahat ng mga lunsod ng mga Heveo at mga Cananeo; at sila'y lumabas sa Negeb ng Juda sa Beer-seba. Kaya't nang mapuntahan na nila ang buong lupain, sila ay dumating sa Jerusalem sa katapusan ng siyam na buwan at dalawampung araw. At ibinigay ni Joab sa hari ang kabuuang bilang ng bayan sa Israel na may walong daang libong matapang na lalaki na humahawak ng tabak; at ang mga kalalakihan sa Juda ay limang daang libo. Ngunit naligalig ang puso ni David pagkatapos na mabilang niya ang taong-bayan. At sinabi ni David sa PANGINOON, 'Ako'y nagkasala ng malaki sa aking ginawa. Ngunit ngayo'y isinasamo ko sa iyo PANGINOON, na iyong pawiin ang kasamaan ng iyong lingkod; sapagkat aking ginawa ng buong kahangalan." Nang bumangon si David sa kinaumagahan, ang salita ng PANGINOON ay dumating kay propeta Gad na tagakita ni David, na sinasabi, "Humayo ka at sabihin mo kay David, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON, Tatlong bagay ang iniaalok ko sa iyo. Pumili ka ng isa sa mga iyon upang aking gawin sa iyo.'" Kaya't pumaroon si Gad kay David, at sinabi sa kanya, "Darating ba sa iyo ang pitong taong taggutom sa iyong lupain? O tatakas ka ba ng tatlong buwan sa harapan ng iyong mga kaaway samantalang tinutugis ka nila? O magkakaroon ba ng tatlong araw na pagkasalot sa iyong lupain? Ngayo'y isaalang-alang mo, at ipasiya mo kung anong kasagutan ang aking ibabalik sa kanya na nagsugo sa akin." At sinabi ni David kay Gad, "Ako'y lubhang nababalisa; hayaang mahulog tayo ngayon sa kamay ng PANGINOON, sapagkat malaki ang kanyang kaawaan; ngunit huwag mo akong hayaang mahulog sa kamay ng tao." Sa gayo'y nagpadala ang PANGINOON ng salot sa Israel mula sa umaga hanggang sa takdang panahon. At ang namatay sa bayan mula sa Dan hanggang sa Beer-seba ay pitumpung libong lalaki. Nang iunat ng anghel ang kanyang kamay paharap sa Jerusalem upang wasakin ito, ikinalungkot ng PANGINOON ang kasamaan, at sinabi sa anghel na gumagawa ng pag-puksa sa bayan, "Tama na; ngayo'y itigil mo na ang iyong kamay." At ang anghel ng PANGINOON ay nasa may giikan ni Arauna na Jebuseo. Pagkatapos ay nagsalita si David sa PANGINOON nang kanyang makita ang anghel na pumuksa sa bayan, at sinabi, "Ako'y nagkasala, at ako'y gumawa ng kasamaan; ngunit ang mga tupang ito, ano ang kanilang ginawa? Isinasamo ko sa iyo na ang iyong kamay ay maging laban sa akin, at laban sa sambahayan ng aking ama." At si Gad ay dumating nang araw na iyon kay David at sinabi sa kanya, "Umahon ka, magtayo ka ng isang dambana sa PANGINOON sa giikan ni Arauna na Jebuseo." Umahon si David ayon sa sinabi ni Gad, tulad ng iniutos ng PANGINOON. Nang tumanaw si Arauna, nakita niya ang hari at ang kanyang mga lingkod na papalapit sa kanya. Si Arauna ay lumabas at patirapang nagbigay-galang sa hari. Sinabi ni Arauna, "Bakit ang aking panginoong hari ay naparito sa kanyang lingkod?" At sinabi ni David, "Upang bilhin ang iyong giikan, para mapagtayuan ng isang dambana sa PANGINOON, upang ang salot ay maiiwas sa bayan." At sinabi ni Arauna kay David, "Kunin nawa ng aking panginoong hari at ihandog kung ano ang inaakala niyang mabuti. Narito ang mga baka para sa handog na sinusunog, at ang mga kagamitan sa giikan at ang mga pamatok ng mga baka bilang panggatong. Ang lahat ng ito, O hari, ay ibinibigay ni Arauna sa hari." At sinabi ni Arauna sa hari, "Tanggapin ka nawa ng PANGINOON mong Diyos." Ngunit sinabi ng hari kay Arauna, "Hindi, kundi bibilhin ko ito sa iyo sa halaga. Hindi ako mag-aalay ng mga handog na sinusunog sa PANGINOON kong Diyos nang hindi ko ginugulan ng anuman." Sa gayo'y binili ni David ang giikan at ang mga baka ng limampung siklong pilak. At nagtayo roon si David ng isang dambana sa PANGINOON at nag-alay ng mga handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan. Sa gayo'y dininig ng PANGINOON ang mga dalangin para sa lupain, at ang salot ay lumayo sa Israel. Si Haring David ay matanda na at mahaba na rin ang buhay at kahit kanilang lagyan siya ng mga kumot, siya'y hindi naiinitan. Kaya't sinabi ng mga lingkod niya sa kanya, "Ihanap ang aking panginoong hari ng isang dalaga at maglingkod siya sa harap ng hari, at kanyang alagaan siya; at mahiga siya sa iyong kandungan, upang ang aking panginoong hari ay mainitan." Kaya't kanilang inihanap siya ng isang magandang dalaga sa buong nasasakupan ng Israel, at natagpuan si Abisag na Sunamita, at dinala siya sa hari. Ang dalaga ay napakaganda at siya ang naging tagapag-alaga ng hari at naglingkod sa kanya; ngunit hindi siya nakilala ng hari. Samantala, nagmataas si Adonias na anak ni Hagit, na nagsabi, "Ako'y magiging hari." At siya'y naghanda ng mga karwahe at mga mangangabayo, at limampung lalaking tatakbo sa unahan niya. Hindi siya kailanman pinagdamdam ng kanyang ama sa pagsasabing, "Bakit ka gumawa ng ganyan?" Siya rin ay napakagandang lalaki at ipinanganak kasunod ni Absalom. Siya'y nakipag-usap kay Joab na anak ni Zeruia, at kay Abiatar na pari, at kanilang tinulungan si Adonias. Ngunit si Zadok na pari, si Benaya na anak ni Jehoiada, si Natan na propeta, si Shimei, si Rei, at ang magigiting na mandirigma ni David ay hindi pumanig kay Adonias. Naghandog si Adonias ng mga tupa, mga baka at ng mga pinatabang hayop sa bato ng Zohelet, na nasa tabi ng En-rogel, at kanyang inanyayahan ang lahat ng kanyang kapatid na mga anak na lalaki ng hari, at ang lahat ng lalaki sa Juda na mga lingkod ng hari. Ngunit si Natan na propeta, si Benaya, at ang magigiting na mandirigma at si Solomon na kanyang kapatid ay hindi niya inanyayahan. Nang magkagayo'y sinabi ni Natan kay Batseba na ina ni Solomon, "Hindi mo ba nabalitaan na si Adonias na anak ni Hagit ay siya ngayong hari at ito ay hindi nalalaman ni David na ating panginoon? Pumarito ka ngayon at papayuhan kita upang mailigtas mo ang iyong sariling buhay, at ang buhay ng iyong anak na si Solomon. Pumunta ka agad kay Haring David, at sabihin mo sa kanya, 'Di ba, panginoon ko, isinumpa mo sa iyong lingkod, na iyong sinasabi, Si Solomon na iyong anak ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking trono? Kung gayo'y bakit si Adonias ang hari?' Samantalang nagsasalita ka pa sa hari ay papasok ako na kasunod mo, at aking patototohanan ang iyong mga salita." Kaya't pinasok ni Batseba ang hari sa silid; (noon ang hari ay lubhang matanda na; at si Abisag na Sunamita ay siyang nag-aalaga sa hari.) Si Batseba ay yumukod at nagbigay-galang sa hari. At sinabi ng hari, "Anong ibig mo?" Sinabi niya sa kanya, "Panginoon ko, isinumpa mo sa iyong lingkod sa pamamagitan ng PANGINOON mong Diyos na sinasabi, Tunay na si Solomon na iyong anak ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking trono.' At ngayo'y si Adonias ay naging hari bagaman hindi mo ito nalalaman, panginoon kong hari. Siya'y nag-alay ng mga baka, mga pinatabang hayop, ng napakaraming tupa, at inanyayahan ang lahat ng anak na lalaki ng hari, at si Abiatar na pari, at si Joab na puno ng hukbo; ngunit si Solomon na iyong lingkod ay hindi niya inanyayahan. Panginoon kong hari, ang paningin ng buong Israel ay nakatuon sa iyo, upang iyong sabihin sa kanila kung sino ang uupo sa trono ng aking panginoong hari pagkamatay niya. Kung hindi, mangyayari na kapag ang aking panginoong hari ay natutulog na kasama ng kanyang mga ninuno, ako at ang aking anak na si Solomon ay mabibilang sa mga may sala." Samantalang siya'y nakikipag-usap pa sa hari, pumasok si Natan na propeta. Kanilang isinaysay sa hari, na sinasabi, "Narito si Natan na propeta." Nang siya'y dumating sa harap ng hari, siya'y yumukod na ang kanyang mukha ay nasa lupa. At sinabi ni Natan, "Panginoon kong hari, iyo bang sinabi, 'Si Adonias ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking trono'? Sapagkat siya'y lumusong nang araw na ito, at nag-alay ng mga baka, mga pinatabang hayop, at ng napakaraming tupa, at inanyayahan ang lahat ng anak na lalaki ng hari, at ang mga pinuno ng hukbo, at si Abiatar na pari; at narito, sila'y nagkakainan at nag-iinuman sa harap niya at nagsasabi, 'Mabuhay si Haring Adonias!' Ngunit akong iyong lingkod, si Zadok na pari, si Benaya na anak ni Jehoiada, at ang iyong lingkod na si Solomon ay hindi niya inanyayahan. Ang bagay bang ito ay ginawa ng aking panginoong hari, at hindi mo ipinaalam sa iyong mga lingkod kung sino ang uupo sa trono ng aking panginoong hari pagkatapos niya?" Nang magkagayo'y sumagot si Haring David, "Papuntahin ninyo sa akin si Batseba." At siya'y pumasok at tumayo sa harap ng hari. Sumumpa ang hari na nagsasabi, "Habang nabubuhay ang PANGINOON na tumubos ng aking kaluluwa mula sa lahat ng kagipitan, kung paanong sumumpa ako sa iyo sa pangalan ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel, na sinasabi, 'Si Solomon na iyong anak ang maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking trono na kahalili ko;' katotohanang gayon ang aking gagawin sa araw na ito." Nang magkagayo'y iniyukod ni Batseba ang kanyang mukha sa lupa, at nagbigay-galang sa hari, at nagsabi, "Mabuhay magpakailanman ang aking panginoon na haring si David!" Sinabi ni Haring David, "Tawagin ninyo sa akin si Zadok na pari, at si Natan na propeta, at si Benaya na anak ni Jehoiada." At sila'y pumasok sa harap ng hari. At sinabi ng hari sa kanila, "Isama ninyo ang mga lingkod ng inyong panginoon, at pasakayin ninyo ang aking anak na si Solomon sa aking sariling mola, at ilusong ninyo siya sa Gihon. Doon ay buhusan siya ng langis ni Zadok na pari at ni Natan na propeta upang siya'y maging hari sa Israel; at kayo'y humihip ng trumpeta at inyong sabihin, 'Mabuhay si Haring Solomon!' Pagkatapos ay aahon kayong kasunod niya; siya'y paparito at uupo sa aking trono, sapagkat siya'y magiging hari na kapalit ko. Itinalaga ko siyang maging pinuno sa Israel at sa Juda." At si Benaya na anak ni Jehoiada ay sumagot sa hari, "Amen! Nawa ang PANGINOON, ang Diyos ng aking panginoong hari ay magsabi ng gayon. Kung paanong ang PANGINOON ay sumama sa aking panginoong hari ay gayundin nawa niya samahan si Solomon, at gawin nawa ang kanyang trono na lalong dakila kaysa trono ng aking panginoong haring si David." Sa gayo'y si Zadok na pari, si Natan na propeta, si Benaya na anak ni Jehoiada, ang mga Kereteo, at ang mga Peleteo ay lumusong at pinasakay si Solomon sa mola ni Haring David, at dinala siya sa Gihon. Kinuha ni Zadok na pari ang sungay na sisidlan ng langis mula sa Tolda, at binuhusan ng langis si Solomon. Pagkatapos sila'y humihip ng trumpeta, at ang buong bayan ay nagsabi, "Mabuhay si Haring Solomon!" At ang buong bayan ay umahong kasunod niya na humihihip ng mga plauta at nagagalak ng malaking kagalakan kaya't ang lupa ay nayanig dahil sa kanilang ingay. Narinig ito ni Adonias at ng lahat ng panauhing kasama niya pagkatapos nilang makakain. Nang marinig ni Joab ang tunog ng trumpeta ay kanyang sinabi, "Anong kahulugan ng pagkakaingay na ito sa lunsod?" Samantalang siya'y nagsasalita pa, si Jonathan na anak ni Abiatar na pari ay dumating. Sinabi ni Adonias, "Pumasok ka, sapagkat ikaw ay taong karapat-dapat, at nagdadala ka ng mabuting balita." Si Jonathan ay sumagot kay Adonias, "Hindi! Sa katunayan, ginawang hari si Solomon ng ating panginoong haring si David. Sinugo ng hari na kasama niya si Zadok na pari, si Natan na propeta, si Benaya na anak ni Jehoiada, ang mga Kereteo at ang mga Peleteo at kanilang pinasakay siya sa mola ng hari. Siya'y binuhusan ng langis bilang hari ni Zadok na pari at ni Natan na propeta sa Gihon. Sila'y umahong galak na galak mula roon, kaya't ang lunsod ay nagkakagulo. Ito ang ingay na iyong narinig. Si Solomon ngayon ay nakaupo sa trono ng hari. Bukod dito, ang mga lingkod ng hari ay pumaroon upang purihin ang ating panginoong haring si David, na nagsasabi, 'Gawin nawa ng iyong Diyos ang pangalan ni Solomon na higit na tanyag kaysa iyong pangalan, at gawin ang kanyang trono na lalong dakila kaysa iyong trono.' At ang hari ay yumukod sa kanyang higaan. Ganito pa ang sinabi ng hari, 'Purihin ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel, na siyang nagpahintulot sa akin na ang isa sa aking mga supling ay makaupo sa aking trono na nakikita ng aking mga mata.'" At ang lahat ng panauhin ni Adonias ay natakot at tumindig, at humayo ang bawat isa sa kanyang sariling lakad. Natakot si Adonias kay Solomon at siya'y tumindig at humayo, at humawak sa mga sungay ng dambana. Ipinaalam kay Solomon, "Si Adonias ay natatakot sa Haring Solomon, sapagkat siya'y humawak sa mga sungay ng dambana, na nagsasabi, 'Isumpa ng Haring Solomon sa akin sa araw na ito na hindi niya papatayin ng tabak ang kanyang lingkod.' " Sinabi ni Solomon, "Kung siya'y magpapakilala bilang taong karapat-dapat ay walang malalaglag sa lupa na isa mang buhok niya, ngunit kung kasamaan ang matagpuan sa kanya, siya'y mamamatay." Sa gayo'y nagsugo si Haring Solomon, at kanilang ibinaba siya mula sa dambana. At siya'y naparoon at nagbigay-galang kay Haring Solomon; at sinabi ni Solomon sa kanya, "Umuwi ka sa iyong bahay." Nang malapit na ang oras ng pagkamatay ni David, nagbilin siya ng ganito kay Solomon na kanyang anak: "Ako'y patungo na sa daan ng buong lupa. Magpakalakas ka at magpakalalaki; at ingatan mo ang bilin ng PANGINOON mong Diyos. Lumakad ka sa kanyang mga daan, at ingatan ang kanyang mga tuntunin, mga utos, mga batas, at mga patotoo, ayon sa nasusulat sa kautusan ni Moises, upang ikaw ay magtagumpay sa lahat ng iyong ginagawa, at maging saan ka man bumaling. Upang pagtibayin ng PANGINOON ang kanyang salita na kanyang sinabi tungkol sa akin, na sinasabi, 'Kung ang iyong mga anak ay mag-iingat sa kanilang lakad, na lalakad sa harap ko na may katapatan ng kanilang buong puso at ng kanilang buong kaluluwa, hindi ka mawawalan ng lalaki sa trono ng Israel.' "Bukod dito'y alam mo rin ang ginawa ni Joab na anak ni Zeruia sa akin, ang ginawa niya sa dalawang pinuno ng mga hukbo ng Israel, kay Abner na anak ni Ner, at kay Amasa na anak ni Jeter na kanyang pinaslang at nagpadanak ng dugo ng digmaan sa kapayapaan. At kanyang inilagay ang dugo ng digmaan sa kanyang sinturon na nasa kanyang baywang at sa loob ng kanyang mga sandalyas na nasa kanyang mga paa. Kaya't kumilos ka ayon sa iyong karunungan, at huwag mong hayaang ang kanyang uban sa ulo ay bumabang payapa sa Sheol. Ngunit pagpakitaan mo ng kagandahang-loob ang mga anak ni Barzilai na Gileadita, at maging kabilang sila sa kumakain sa iyong hapag; sapagkat gayon sila naging tapat sa akin nang ako'y tumakas kay Absalom na iyong kapatid. Nasa iyo rin si Shimei na anak ni Gera na Benjaminita, na taga-Bahurim, na lumait sa akin ng matindi nang araw na ako'y pumaroon sa Mahanaim, ngunit nang lumusong siya upang salubungin ako sa Jordan, ay isinumpa ko sa kanya sa PANGINOON, na sinasabi, 'Hindi kita papatayin ng tabak.' Ngayon nga'y huwag mo siyang ituring na walang sala, sapagkat ikaw ay lalaking matalino at malalaman mo kung ano ang dapat gawin sa kanya, at iyong ibababa na may dugo ang kanyang uban sa ulo sa Sheol." Pagkatapos, si David ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing sa lunsod ni David. Ang mga panahon na naghari si David sa Israel ay apatnapung taon; pitong taong naghari siya sa Hebron, at tatlumpu't tatlong taon siyang naghari sa Jerusalem. At si Solomon ay umupo sa trono ni David na kanyang ama, at ang kanyang kaharian ay matibay na itinatag. Pagkatapos, si Adonias na anak ni Hagit ay naparoon kay Batseba na ina ni Solomon. Kanyang sinabi, "Naparito ka bang payapa?" At sinabi niya, "Payapa." Sinabi pa niya, "Mayroon pa akong sasabihin sa iyo." At sinabi niya, "Sabihin mo." At kanyang sinabi, "Alam mo na ang kaharian ay naging akin, at umasa ang buong Israel na ako ang maghahari; ngunit ang kaharian ay nagbago, at napunta sa aking kapatid, sapagkat iyon ay kanya mula sa PANGINOON. Ngayo'y mayroon akong isang kahilingan sa iyo, huwag mo akong tanggihan." At sinabi niya sa kanya, "Sabihin mo." At kanyang sinabi, "Ipinapakiusap ko sa iyo na iyong hingin kay Haring Solomon, sapagkat hindi ka niya tatanggihan, na ibigay niya sa akin si Abisag na Sunamita bilang asawa." Sinabi ni Batseba, "Mabuti; ako'y makikipag-usap sa hari para sa iyo." Kaya't si Batseba ay pumaroon kay Haring Solomon upang ipakiusap sa kanya si Adonias. Tumindig ang hari upang salubungin siya at yumukod siya sa kanya. Pagkatapos ay umupo siya sa kanyang trono, at nagpakuha ng upuan para sa ina ng hari. Si Batseba ay umupo sa kanyang kanan. Nang magkagayo'y sinabi niya, 'Ako'y may isang munting kahilingan sa iyo. Huwag mo akong tanggihan." At sinabi ng hari sa kanya, "Hilingin mo, ina ko, sapagkat hindi kita tatanggihan." Sinabi ni Batseba, "Ibigay mong asawa si Abisag na Sunamita sa iyong kapatid na si Adonias." At si Haring Solomon ay sumagot, at nagsabi sa kanyang ina, "At bakit mo hinihiling si Abisag na Sunamita para kay Adonias? Hilingin mo na rin para sa kanya ang kaharian; sapagkat siya'y nakatatanda kong kapatid. At nasa kanyang panig si Abiatar na pari at si Joab na anak ni Zeruia." Nang magkagayo'y sumumpa si Haring Solomon sa PANGINOON, na sinasabi, "Hatulan ako ng Diyos, at lalo na, kung hindi ang buhay ni Adonias ang maging kabayaran sa salitang ito! Ngayon, habang nabubuhay ang PANGINOON na nagtatag sa akin, at naglagay sa akin sa trono ni David na aking ama, at siyang gumawa para sa akin ng isang bahay, gaya ng kanyang ipinangako, tunay na si Adonias ay papatayin sa araw na ito." Isinugo ni Haring Solomon si Benaya na anak ni Jehoiada at kanyang sinunggaban si Adonias at siya'y namatay. Sinabi ng hari kay Abiatar na pari, "Umuwi ka sa Anatot, sa iyong sariling bukid. Ikaw ay karapat-dapat na mamatay, ngunit sa panahong ito'y hindi kita papatayin, sapagkat iyong pinasan ang kaban ng Panginoong DIYOS sa harap ni David na aking ama, at sapagkat ikaw ay nakibahagi sa lahat ng kahirapan ng aking ama." Kaya't tinanggal ni Solomon si Abiatar sa pagkapari sa PANGINOON, upang kanyang matupad ang salita ng PANGINOON, na kanyang sinabi sa Shilo tungkol sa sambahayan ni Eli. Nang ang balita ay dumating kay Joab, sapagkat si Joab ay kumampi kay Adonias, bagaman hindi siya kumampi kay Absalom, si Joab ay tumakas patungo sa Tolda ng PANGINOON, at humawak sa mga sungay ng dambana. Nang ibalita kay Haring Solomon na, "Si Joab ay tumakas patungo sa Tolda ng PANGINOON, siya'y nasa tabi ng dambana." Nang magkagayo'y sinugo ni Solomon si Benaya na anak ni Jehoiada, na sinasabi, "Humayo ka, sunggaban mo siya." Si Benaya ay pumunta sa Tolda ng PANGINOON, at nagsabi sa kanya, "Ganito ang sabi ng hari, 'Lumabas ka.'" At kanyang sinabi, "Hindi. Dito ako mamamatay." Muling ipinaabot ni Benaya sa hari ang salita, na sinasabi, "Ganito ang sinabi ni Joab, at ganito ang isinagot sa akin." Sinabi ng hari sa kanya, "Gawin kung paano ang sinabi niya, at patayin mo siya at ilibing upang iyong maalis ang dugong pinadanak ni Joab nang walang kadahilanan sa akin at sa sambahayan ng aking ama. Ibabalik ng PANGINOON ang kanyang madudugong gawa sa kanyang sariling ulo, sapagkat kanyang sinunggaban ang dalawang lalaki na lalong matuwid at mas mabuti kaysa kanya, at pinatay ng tabak, nang hindi nalalaman ng aking amang si David. Siya ay si Abner na anak ni Ner, na pinuno ng hukbo ng Israel, at si Amasa na anak ni Jeter, na pinuno ng hukbo ng Juda. Kaya't ang kanilang dugo ay mababalik sa ulo ni Joab, at sa ulo ng kanyang binhi magpakailanman. Ngunit kay David, sa kanyang binhi, at sa kanyang sambahayan, sa kanyang trono ay magkakaroon ng kapayapaan magpakailanman mula sa PANGINOON." Nang magkagayo'y umahon si Benaya na anak ni Jehoiada, siya'y sinunggaban at pinatay; at siya'y inilibing sa kanyang sariling bahay sa ilang. At inilagay ng hari si Benaya na anak ni Jehoiada na kahalili niya sa hukbo, at si Zadok na pari ay inilagay ng hari bilang kahalili ni Abiatar. Pagkatapos, ang hari ay nagsugo at ipinatawag si Shimei, at sinabi sa kanya, "Magtayo ka ng isang bahay sa Jerusalem, at manirahan roon, at huwag kang umalis mula roon patungo saan mang lugar. Sapagkat sa araw na ikaw ay lumabas at tumawid sa batis ng Cedron, dapat mong alamin na ikaw ay tiyak na mamamatay. Ang iyong dugo ay sasaiyong sariling ulo." At sinabi ni Shimei sa hari, "Ang sinabi mo ay mabuti. Kung paanong sinabi ng aking panginoong hari, gayon gagawin ng iyong lingkod." At si Shimei ay tumira sa Jerusalem ng maraming araw. Ngunit sa katapusan ng tatlong taon, dalawa sa mga alipin ni Shimei ay lumayas, at pumaroon kay Achis, na anak ni Maaca, hari sa Gat. At kanilang sinabi kay Shimei, "Narito, ang iyong mga alipin ay nasa Gat." Tumindig si Shimei, inihanda ang kanyang asno, at nagtungo sa Gat kay Achis, upang hanapin ang kanyang mga alipin. Si Shimei ay umalis at kinuha ang kanyang mga alipin mula sa Gat. Nang ibalita kay Solomon na si Shimei ay naparoon sa Gat mula sa Jerusalem, at bumalik uli, ang hari ay nagsugo at ipinatawag si Shimei, at nagsabi sa kanya, "Di ba pinasumpa kita sa PANGINOON, at taimtim na ipinayo ko sa iyo, 'Dapat mong malaman na sa araw na lumabas ka at pumunta saanman ay tiyak na mamamatay ka'? At iyong sinabi sa akin, 'Ang iyong sinabi na aking narinig ay mabuti.' Bakit hindi mo iningatan ang iyong sumpa sa PANGINOON, at ang utos na aking ibinilin sa iyo?" Sinabi pa ng hari kay Shimei, "Alam mo sa iyong puso ang lahat ng kasamaan na iyong ginawa kay David na aking ama. Kaya't ibabalik ng PANGINOON ang iyong kasamaan sa iyong sariling ulo. Ngunit si Haring Solomon ay pagpapalain, at ang trono ni David ay magiging matatag sa harap ng PANGINOON magpakailanman." Sa gayo'y inutusan ng hari si Benaya na anak ni Jehoiada; at siya'y lumabas, at dinaluhong siya, at siya'y namatay. Sa gayo'y tumatag ang kaharian sa kamay ni Solomon. Si Solomon ay nagkaroon ng pakikipagkaibigan kay Faraon na hari sa Ehipto sa pamamagitan ng pag-aasawa niya sa anak na babae ni Faraon, at dinala niya ito sa lunsod ni David, hanggang sa kanyang natapos itayo ang kanyang sariling bahay, ang bahay ng PANGINOON, at ang pader sa palibot ng Jerusalem. Ang taong-bayan ay naghahandog sa matataas na dako, sapagkat wala pang bahay na naitayo sa pangalan ng PANGINOON hanggang sa mga araw na iyon. Minahal ni Solomon ang PANGINOON, at lumakad sa mga tuntunin ni David na kanyang ama. Kaya lang, siya'y nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako. At ang hari ay naparoon sa Gibeon upang mag-alay doon, sapagkat iyon ang pinakamataas na dako. Si Solomon ay naghandog sa dambanang iyon ng libong handog na sinusunog. Sa Gibeon ay nagpakita ang PANGINOON kay Solomon sa panaginip sa gabi, at sinabi ng Diyos, "Hingin mo kung ano ang ibibigay ko sa iyo." At sinabi ni Solomon, "Ikaw ay nagpakita ng dakila at tapat na pag-ibig sa iyong lingkod na si David na aking ama, sapagkat siya'y lumakad sa harap mo sa katapatan, at sa katarungan, at sa katapatan ng puso sa iyo; at iyong iningatan para sa kanya itong dakila at tapat na pag-ibig at iyong binigyan siya ng isang anak na luluklok sa kanyang trono, sa araw na ito. Ngayon, O PANGINOON kong Diyos, iyong ginawang hari ang iyong lingkod na kahalili ni David na aking ama; bagaman ako'y isang musmos lamang; hindi ko nalalaman ang paglabas at pagpasok. At ang iyong lingkod ay nasagitna ng iyong bayan na iyong pinili, isang malaking bayan na hindi mabibilang o matuturingan dahil sa karamihan. Bigyan mo ang iyong lingkod ng isang mapag-unawang isipan upang pamahalaan ang iyong bayan, upang aking makilala ang mabuti at ang masama; sapagkat sino ang makakapamahala dito sa iyong malaking bayan?" Ikinalugod ng Panginoon na ito ang hiningi ni Solomon. At sinabi ng Diyos sa kanya, "Sapagkat iyong hiningi ang bagay na ito, at hindi mo hiningi para sa iyo ang mahabang buhay; o hiningi mo man para sa iyo ang mga kayamanan, o hiningi mo man ang buhay ng iyong mga kaaway; kundi ang hiningi mo para sa iyo'y karunungan upang kumilala ng matuwid, narito, aking ginagawa ngayon ayon sa iyong salita. Narito, binibigyan kita ng isang pantas at matalinong pag-iisip, na anupa't walang naging gaya mo na una sa iyo, o may babangon mang sinumang tulad mo pagkamatay mo. Ibinibigay ko rin sa iyo ang hindi mo hiningi, ang kayamanan at ang karangalan, anupa't walang magiging gaya mo sa mga hari, sa lahat ng iyong mga araw. Kung ikaw ay lalakad sa aking mga daan, upang ingatan ang aking mga tuntunin, at ang aking mga utos, gaya ng paglakad ng iyong amang si David, ay aking pahahabain ang iyong mga araw." At nagising si Solomon, iyon ay isang panaginip. Pagkatapos siya'y naparoon sa Jerusalem, at tumayo sa harap ng kaban ng tipan ng PANGINOON. Siya ay nag-alay ng mga handog na sinusunog, mga handog pangkapayapaan, at gumawa ng kasayahan sa lahat ng kanyang mga lingkod. Pagkatapos ay naparoon sa hari ang dalawang upahang babae at tumayo sa harapan niya. Sinabi ng isang babae, "O panginoon ko, ako at ang babaing ito ay nakatira sa iisang bahay; at ako'y nanganak ng isang batang lalaki nang kasama ko pa siya sa bahay. Nang ikatlong araw pagkatapos na ako'y makapanganak, ang babaing ito'y nanganak din, at kami ay magkasama. Wala kaming ibang kasama sa bahay, liban sa aming dalawa. Ang anak ng babaing ito ay namatay kinagabihan sapagkat kanyang nadaganan ito. At siya'y bumangon nang hatinggabi, at kinuha niya ang anak kong lalaki sa tabi ko, samantalang ang iyong lingkod ay natutulog. Ininiga niya ito sa kanyang dibdib, at inilagay ang kanyang patay na anak sa aking dibdib. Kinaumagahan, nang ako'y bumangon upang aking pasusuhin ang aking anak, nakita ko na siya'y patay na. Ngunit kinaumagahan, nang aking kilalaning mabuti, hindi iyon ang batang aking ipinanganak." Ngunit sinabi ng isang babae, "Hindi. Ngunit ang buhay ay aking anak at ang patay ay iyong anak." At sinabi ng isa, "Hindi. Ngunit ang patay ay ang iyong anak, at ang buhay ay siyang aking anak." Ganito sila nagsalita sa harap ng hari. Nang magkagayo'y sinabi ng hari, "Ang isa'y nagsasabi, 'Ang aking anak ay ang buhay, at ang iyong anak ay ang patay.' At ang isa'y nagsasabi rin, 'Hindi; kundi ang iyong anak ay ang patay, at ang aking anak ay ang buhay.' " Kaya't sinabi ng hari, "Dalhan ninyo ako ng isang tabak." At sila'y nagdala ng isang tabak sa harap ng hari. At sinabi ng hari, "Hatiin sa dalawa ang buhay na bata, at ibigay ang kalahati sa isa at ang kalahati ay sa isa naman." Nang magkagayo'y nagsalita ang babae na ina ng buhay na bata sa hari, sapagkat ang kanyang puso ay nahahabag sa kanyang anak, at sinabi niya, "O panginoon ko, ibigay mo sa kanya ang buhay na bata, at sa anumang paraa'y huwag mong patayin." Ngunit ang sabi ng isa, "Hindi iyan magiging akin ni sa iyo man; hatiin siya." Nang magkagayo'y sumagot ang hari at nagsabi, "Ibigay ang buhay na bata sa unang babae, at sa anumang paraa'y huwag patayin. Siya ang kanyang ina." Nabalitaan ng buong Israel ang hatol na iginawad ng hari; sila'y natakot sa hari sapagkat kanilang nakita na ang karunungan upang maggawad ng katarungan ng Diyos ay nasa kanya. Si Haring Solomon ay hari sa buong Israel, at ito ang kanyang mga naging matataas na pinuno: si Azarias na anak ni Zadok, ang pari; sina Elioref at Ahia na mga anak ni Sisa ay mga kalihim; si Jehoshafat na anak ni Ahilud ay tagapagtala; si Benaya na anak ni Jehoiada ay pinuno ng hukbo; at sina Zadok at Abiatar ay mga pari; si Azarias na anak ni Natan ay namamahala sa mga pinuno; at si Zabud na anak ni Natan ay pari at kaibigan ng hari; si Ahisar ay katiwala sa kanyang palasyo; at si Adoniram na anak ni Abda ay tagapamahala ng sapilitang paggawa. Si Solomon ay may labindalawang katiwala sa buong Israel at sila ang nagbibigay ng pagkain para sa hari at sa kanyang sambahayan. Bawat isa sa kanila'y nagbibigay ng pagkain sa loob ng isang buwan sa bawat taon. Ito ang kanilang mga pangalan: si Ben-hur sa lupaing maburol ng Efraim; si Ben-deker sa Macas, Shaalbim, Bet-shemes, at si Elon-bet-hanan; si Ben-hesed sa Arubot (sa kanya'y nauukol ang Socoh, at ang buong lupain ng Hefer), si Ben-abinadab sa buong kataasan ng Dor (na ang asawa'y si Tafat na anak na babae ni Solomon); si Baana na anak ni Ahilud sa Taanac, Megido, at sa buong Bet-shan na nasa tabi ng Zaretan, sa ibaba ng Jezreel, mula sa Bet-shan hanggang sa Abel-mehola na may layong hanggang sa dako roon ng Jocmeam; si Ben-geber, sa Ramot-gilead; (sa kanya ang mga nayon ni Jair na anak ni Manases, na nasa Gilead; samakatuwid ay sa kanya ang lupain ng Argob na nasa Basan, animnapung malalaking lunsod na may mga pader at mga bakod na tanso); si Ahinadab, anak ni Iddo sa Mahanaim; si Ahimaaz, sa Neftali; (siya ang kumuha kay Basemat na anak na babae ni Solomon bilang asawa), si Baana na anak ni Husai, sa Aser at sa Bealot. si Jehoshafat na anak ni Parua, sa Isacar; si Shimeina anak ni Ela, sa Benjamin; Si Geber na anak ni Uri sa lupain ng Gilead, na lupain ni Sihon na hari ng mga Amoreo, at ni Og na hari ng Basan; at siya lamang ang katiwala sa lupaing iyon. Ang Juda at ang lsraelay marami na gaya ng buhangin sa tabi ng dagat sa dami, na nagkakainan, at nag-iinuman, at nagkakatuwaan. At si Solomon ay naghari sa lahat ng mga kaharian mula sa Ilog Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo, at hanggang sa hangganan ng Ehipto. Sila'y nagdala ng mga buwis at naglingkod kay Solomon sa lahat ng araw ng kanyang buhay. Ang pagkaing panustos ni Solomon sa isang araw ay tatlumpung takal ng magandang uri ng harina, at animnapung takal na harina, sampung matatabang baka, dalawampung baka mula sa pastulan, isandaang tupa, bukod pa ang mga usang lalaki at babae, at mga usang masungay, at mga pinatabang hayop na may pakpak. Sapagkat sakop niya ang buong lupain sa kanluran ng Ilog Eufrates mula sa Tifsa hanggang sa Gaza, sa lahat ng mga hari sa kanluran ng Ilog Eufrates at siya'y may kapayapaan sa lahat ng mga dako sa palibot niya. Ang Juda at ang Israel ay nanirahang tiwasay, ang bawat tao'y nasa ilalim ng kanyang puno ng ubas at sa ilalim ng kanyang puno ng igos, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, sa lahat ng mga araw ni Solomon. Si Solomon ay mayroon ding apatnapung libong kabayo sa kanyang mga kuwadra para sa kanyang mga karwahe, at labindalawang libong mangangabayo. At ipinaghanda ng mga katiwalang iyon si Haring Solomon at ang lahat ng dumudulog sa hapag ni Haring Solomon, bawat isa sa kanyang buwan; hindi nila hinahayaang magkulang ng anuman. Nagdala rin sila ng sebada at dayami para sa mga kabayo at sa matutuling kabayo sa mga lugar na kinakailangan ang mga iyon, bawat isa'y ayon sa kanyang katungkulan. Binigyan ng Diyos si Solomon ng karunungan, at ng di masukat na pang-unawa at kalawakan ng pag-iisip, gaya ng buhanging nasa tabing-dagat, kaya't ang karunungan ni Solomon ay higit pa kaysa karunungan ng lahat ng tao sa silangan at kaysa lahat ng karunungan ng Ehipto. Sapagkat higit siyang pantas kaysa lahat ng mga tao; higit na pantas kaysa kay Etan na Ezrahita, kay Heman, kay Calcol, at kay Darda, na mga anak ni Mahol. At ang kanyang katanyagan ay kumalat sa lahat ng mga bansang nakapalibot. Nagsalita rin siya ng tatlong libong kawikaan; at ang kanyang mga awit ay isang libo at lima. Siya'y nagsalita tungkol sa mga punungkahoy, mula sa sedro na nasa Lebanon hanggang sa isopo na sumisibol sa pader. Siya'y nagsalita rin tungkol sa mga hayop, at sa mga ibon, sa mga gumagapang at sa mga isda. At naparoon ang mga taong mula sa lahat ng bayan upang makinig sa karunungan ni Solomon, mula sa lahat ng hari sa daigdig na nakabalita ng kanyang karunungan. Si Hiram na hari ng Tiro ay nagsugo ng kanyang mga lingkod kay Solomon nang kanyang nabalitaan na si Solomon ay kanilang binuhusan ng langis upang maging hari na kapalit ng kanyang ama; sapagkat si Hiram ay naging kaibigan ni David. Si Solomon ay nagsugo kay Hiram, na sinasabi, "Alam mo na si David na aking ama ay hindi nakapagtayo ng bahay para sa pangalan ng PANGINOON niyang Diyos dahil sa mga pakikidigma sa palibot niya sa bawat dako, hanggang sa inilagay sila ng PANGINOON sa ilalim ng mga talampakan ng kanyang mga paa. Ngunit ngayo'y binigyan ako ng PANGINOON kong Diyos ng kapahingahan sa bawat dako; wala kahit kaaway, o kasawian man. Kaya't layunin kong magtayo ng bahay para sa pangalan ng PANGINOON kong Diyos, gaya ng sinabi ng PANGINOON kay David na aking ama, 'Ang iyong anak na aking iluluklok sa iyong trono na kapalit mo ang magtatayo ng bahay para sa aking pangalan.' Ngayo'y ipag-utos mo na ipagputol ako ng mga puno ng sedro sa Lebanon; at ang aking mga lingkod ay makakasama ng iyong mga lingkod at babayaran kita ng upa para sa iyong mga tauhan ayon sa iyong itatakda, sapagkat iyong alam na walang sinuman sa amin na nakakaputol ng mga troso na gaya ng mga Sidonio." Nang marinig ni Hiram ang mga salita ni Solomon, siya'y nagalak na mabuti, at nagsabi, "Purihin ang PANGINOON sa araw na ito na nagbigay kay David ng isang pantas na anak upang mamahala sa dakilang bayang ito." At si Hiram ay nagsugo kay Solomon, na nagsasabi, "Narinig ko ang mensahe na iyong ipinadala sa akin. Aking gagawin ang lahat ng iyong ninanais tungkol sa troso na sedro at sipres. Ibababa ang mga ito ng aking mga lingkod sa dagat mula sa Lebanon, at aking gagawing mga balsa upang dumaan sa dagat hanggang sa dakong iyong ituturo, at aking ipakakalag doon, at iyong tatanggapin; at tutugunan mo ang aking mga nais sa pagbibigay ng pagkain sa aking sambahayan." Sa gayo'y binigyan ni Hiram si Solomon ng lahat ng troso ng sipres na kanyang ninais. Binigyan naman ni Solomon si Hiram ng dalawampung libong takal na trigo na pagkain ng kanyang sambahayan, at dalawampung takal na purong langis. Ito ang ibinibigay ni Solomon kay Hiram taun-taon. Kaya't binigyan ng PANGINOON si Solomon ng karunungan, gaya ng kanyang ipinangako sa kanya; at may kapayapaan sa pagitan ni Hiram at ni Solomon, at silang dalawa'y gumawa ng kasunduan. Si Haring Solomon ay nagpataw ng sapilitang paggawa sa buong Israel at ang mga pinatawan ay tatlumpung libong lalaki. Kanyang sinugo sila sa Lebanon na sampu-sampung libo bawat buwan na halinhinan: isang buwan sa Lebanon, at dalawang buwan sa sariling bayan; at si Adoniram ang tagapamahala sa mga pinatawan. Si Solomon ay mayroon ding pitumpung libong tagabuhat at walumpung libong tagatibag ng bato sa kaburulan, bukod pa ang tatlong libo at tatlong daan na mga kapatas ni Solomon sa gawain, na namumuno sa mga taong gumagawa. Sa utos ng hari, tumibag sila ng malalaki at mamahaling bato upang ilagay ang saligan ng bahay na may mga batong tinabas. Kaya't ang mga tagapagtayo ni Solomon, at ang mga tagapagtayo ni Hiram at ang mga Gebalita ang pumutol at naghanda ng mga kahoy at ng mga bato upang itayo ang bahay. Nang ikaapatnaraan at walumpung taon pagkatapos na ang mga anak ni Israel ay lumabas sa lupain ng Ehipto, nang ikaapat na taon ng paghahari ni Solomon sa Israel, nang buwan ng Zif, na siyang ikalawang buwan, kanyang pinasimulang itayo ang bahay ng PANGINOON. Ang bahay na itinayo ni Haring Solomon para sa PANGINOON ay may habang animnapung siko, may luwang na dalawampung siko, at may taas na tatlumpung siko. Ang pasilyo sa harap ng kalagitnaang bahagi ng bahay ay may dalawampung siko ang haba, katumbas ng luwang ng bahay; at sampung siko ang lalim niyon sa harap ng bahay. At iginawa niya ang bahay ng mga bintana na may mga magagarang balangkas. Gumawa rin siya ng silid sa tabi ng pader ng bahay, na nasa palibot ng bahay, ang gitna at panloob na bahagi ng santuwaryo; at gumawa siya ng mga silid sa tagiliran sa buong palibot. Ang pinakamababang palapag ay may limang siko ang luwang, at ang pangalawang palapag ay may anim na siko ang luwang, at ang ikatlo ay may pitong siko ang luwang, sapagkat siya'y gumawa ng mga tuntungan sa labas ng bahay sa palibot, upang ang mga biga ay hindi maipasok sa mga pader ng bahay, nang itinatayo pa ang bahay ay ginawa ito sa batong inihanda na sa tibagan, kaya't wala kahit martilyo o palakol man, o anumang kasangkapang bakal ang narinig sa bahay, samantalang itinatayo ito. Ang pasukan sa pinakamababang palapag ay nasa gawing timog ng bahay; at isa sa pamamagitan ng hagdanan paakyat sa gitnang palapag, at mula sa pangalawang palapag hanggang sa ikatlo. Gayon niya itinayo ang bahay at tinapos ito; at binubungan niya ang bahay ng mga biga at tablang sedro. At kanyang ginawa ang mga palapag na karatig ng buong bahay, na bawat isa'y limang siko ang taas, at ikinabit sa bahay sa pamamagitan ng mga kahoy na sedro. At dumating ang salita ng PANGINOON kay Solomon, na sinasabi, "Tungkol sa bahay na ito na iyong itinatayo, kung ikaw ay lalakad sa aking mga tuntunin, susundin ang aking mga batas, tutuparin ang lahat ng aking mga utos, at lumakad sa mga ito, aking pagtitibayin ang aking salita sa iyo na aking sinabi kay David na iyong ama. Ako'y maninirahang kasama ng mga anak ni Israel, at hindi ko pababayaan ang aking bayang Israel." Gayon itinayo ni Solomon ang bahay at tinapos ito. Kanyang binalutan ang mga dingding sa loob ng bahay ng kahoy na sedro; mula sa sahig ng bahay hanggang sa mga dingding ng kisame, na kanyang binalot ng kahoy sa loob at kanyang binalutan ang sahig ng bahay ng mga tabla ng sipres. Siya'y gumawa ng isang silid na dalawampung siko sa pinakaloob ng bahay, ng tabla na sedro mula sa sahig hanggang sa mga panig sa itaas at kanyang ginawa sa loob bilang panloob na santuwaryo na siyang dakong kabanal-banalan. At ang bahay, samakatuwid ay ang silid sa harap ng panloob na santuwaryo ay apatnapung siko ang haba. Ang sedro sa loob ng bahay ay inukit na hugis tapayan at mga nakabukang bulaklak; lahat ay sedro at walang batong makikita. Inihanda niya ang panloob na santuwaryo sa kaloob-looban ng bahay, upang ilagay roon ang kaban ng tipan ng PANGINOON. Ang panloob na santuwaryo ay may dalawampung siko ang haba, at dalawampung siko ang luwang, at dalawampung siko ang taas; at binalot niya ng lantay na ginto. Gumawa rin siya ng dambanang yari sa sedro. Binalot ni Solomon ang loob ng bahay ng lantay na ginto; at kanyang ginuhitan ng mga tanikalang ginto ang harapan ng santuwaryo; at binalot iyon ng ginto. Kanyang binalot ng ginto ang buong bahay, hanggang sa ang bahay ay nayari. Gayundin, ang buong dambana na nauukol sa panloob na santuwaryo ay kanyang binalot ng ginto. Sa panloob na santuwaryo ay gumawa siya ng dalawang kerubin na yari sa kahoy na olibo, bawat isa'y may sampung siko ang taas. Limang siko ang haba ng isang pakpak ng kerubin, at limang siko ang haba ng kabilang pakpak ng kerubin, mula sa dulo ng isang pakpak hanggang sa dulo ng kabila ay sampung siko. Ang isang kerubin ay sampung siko; ang dalawang kerubin ay may parehong sukat at parehong anyo. Ang taas ng isang kerubin ay sampung siko, gayundin ang isa pang kerubin. Kanyang inilagay ang mga kerubin sa pinakaloob ng bahay, at ang mga pakpak ng mga kerubin ay nakabuka kaya't ang pakpak ng isa ay nakalapat sa isang dingding, at ang pakpak ng ikalawang kerubin ay lumalapat sa kabilang dingding. Ang kanilang tig-isa pang pakpak ay nagkakalapat sa gitna ng bahay. At kanyang binalutan ng ginto ang mga kerubin. Kanyang inukitan ang lahat na panig ng bahay sa palibot ng mga ukit na larawan ng mga kerubin, at ng mga puno ng palma, at ng mga nakabukang bulaklak, sa mga silid sa loob at sa labas. At ang sahig ng bahay ay binalot niya ng ginto, sa loob at sa labas. Sa pasukan ng panloob na santuwaryo, siya'y gumawa ng mga pintuang yari sa kahoy na olibo; ang itaas ng pintuan at ang mga haligi niyon na may limang gilid. Binalutan niya ang dalawang pinto na yari sa kahoy na olibo, ng mga ukit na mga kerubin, mga puno ng palma, at mga nakabukang bulaklak, at binalot niya ng ginto; at kanyang kinalatan ng ginto ang mga kerubin at ang mga puno ng palma. Gayundin ang kanyang ginawa sa pasukan ng bulwagan na yari sa kahoy na olibo, na may apat na gilid, at dalawang pinto na yari sa kahoy na sipres; ang dalawang paypay ng isang pinto ay naititiklop, at ang dalawang paypay ng kabuang pinto ay naititiklop. Kanyang inukitan ang mga ito ng mga kerubin, ng mga puno ng palma, at mga nakabukang bulaklak. Ang mga ito ay binalot niya ng ginto at maayos na inilagay sa mga gawang inukit. Ginawa niya ang panloob na bulwagan na may tatlong hanay na batong tinabas, at isang hanay ng mga biga ng kahoy na sedro. Nang ikaapat na taon, sa buwan ng Ziv, inilagay ang mga pundasyon ng bahay ng PANGINOON. Nang ikalabing-isang taon, sa buwan ng Bul, na siyang ikawalong buwan, natapos ang lahat ng bahagi ng bahay ayon sa buong plano niyon. Pitong taon niyang itinayo iyon. Itinayo ni Solomon ang kanyang sariling bahay sa loob ng labintatlong taon, at kanyang natapos ang kanyang buong bahay. Kanyang itinayo ang Bahay sa Gubat ng Lebanon; ang haba ay isandaang siko, at ang luwang ay limampung siko, at ang taas ay tatlumpung siko, sa apat na hanay na hanging sedro na may mga bigang sedro sa ibabaw ng mga haligi. Natatakpan ito ng sedro sa ibabaw ng mga silid na nasa ibabaw ng apatnapu't limang haligi, labinlima sa bawat hanay. May mga balangkas ng bintana na tatlong hanay, at bintana sa katapat na bintana na tatlong hanay. Ang lahat ng pintuan at mga bintana ay pawang parisukat ang mga balangkas, at ang mga bintana ay magkakatapat sa tatlong hanay. Siya'y gumawa ng Bulwagan ng mga Haligi; ang haba niyon ay limampung siko, at ang luwang niyon ay tatlumpung siko, at may isang pasilyo na nasa harap ng mga iyon na may mga haligi at may lambong sa harap ng mga iyon. Siya'y gumawa ng Bulwagan ng Trono kung saan niya ipinahahayag ang kanyang hatol, samakatuwid ay ang Bulwagan ng Paghuhukom. Nababalot iyon ng sedro mula sa sahig hanggang sa kisame. At ang bahay na kanyang tirahan sa isa pang looban sa likod ng bulwagan ay pareho ang pagkakagawa. Iginawa rin ni Solomon ng bahay na tulad ng bulwagang ito ang anak na babae ni Faraon na naging asawa niya. Ang lahat ng ito'y gawa sa mamahaling bato, mga batong tinabas ayon sa sukat, na nilagari ng mga lagari, sa likod at sa harap, mula sa mga saligan hanggang sa kataas-taasan, at mula sa bulwagan ng bahay ng PANGINOON hanggang sa malaking bulwagan. Ang saligan ay mga mamahaling bato, malalaking bato, mga batong may walo at sampung siko. Sa ibabaw ay mga mamahaling bato na mga batong tinabas ayon sa sukat, at sedro. At ang malaking bulwagan sa palibot ay may tatlong hanay ng batong tinabas, at isang hanay ng mga bigang sedro; gaya ng pinakaloob na bulwagan ng bahay ng PANGINOON, at ng pasilyo ng bahay. Nagsugo si Haring Solomon at ipinasundo si Hiram mula sa Tiro. Siya'y anak ng isang babaing balo sa lipi ni Neftali, at ang kanyang ama ay lalaking taga-Tiro, isang manggagawa sa tanso; at siya'y puspos ng karunungan, pang-unawa, at kahusayan sa paggawa ng lahat ng gawain sa tanso. Siya'y naparoon kay Haring Solomon, at ginawa ang lahat niyang gawain. Siya'y naghulma ng dalawang haliging tanso. Labingwalong siko ang taas ng bawat isa, at isang panukat na tali na may labindalawang siko ang sukat ng kabilugan nito; ito ay may guwang sa loob at ang kapal nito ay apat na daliri, at ang ikalawang haligi ay gayundin. Siya'y gumawa ng dalawang kapitel na hinulmang tanso, upang ilagay sa mga dulo ng mga haligi; ang taas ng isang kapitel ay limang siko at ang taas ng isa pang kapitel ay limang siko. May mga lambat na nilala, at mga tirintas na yaring tanikala para sa mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; pito sa isang kapitel, at pito sa isa pang kapitel. Gayundin, gumawa siya ng mga granada sa dalawang hanay sa palibot ng isang yaring lambat upang takpan ang mga kapitel na nasa itaas ng mga granada, gayundin ang ginawa niya sa kabilang kapitel. Ang mga kapitel na nasa ibabaw ng mga haligi sa pasilyo ay mga yaring liryo, na apat na siko. Ang mga kapitel ay nasa ibabaw ng dalawang haligi at sa itaas ng nakausling pabilog na nasa tabi ng yaring lambat. Ang mga granada ay dalawandaan na dalawang hanay sa palibot; at gayundin sa ibang kapitel. Kanyang itinayo ang mga haligi sa pasilyo ng templo, at kanyang itinayo ang haligi sa timog, at pinangalanang Jakin at kanyang itinayo ang isa pang haligi sa hilaga, at pinangalanang Boaz. At sa ibabaw ng mga haligi ay may mga nililok yaring liryo. Sa gayo'y ang gawain sa mga haligi ay nayari. Pagkatapos ay gumawa siya ng hinulmang tangke ng tubig. Ito ay bilog na sampung siko mula sa labi hanggang sa kabilang labi, ang taas ay limang siko; at isang panukat na tali na may tatlumpung siko ang pabilog nito. Sa ilalim ng labi sa paligid ay may mga palamuting hugis upo, para sa tatlumpung siko, na nakaligid sa dagat-dagatan sa palibot. Ang mga palamuting hugis upo ay dalawang hanay, na kasama itong hinulma nang ito'y hulmahin. Nakapatong ito sa labindalawang baka, ang tatlo'y nakaharap sa hilaga, ang tatlo'y nakaharap sa kanluran, ang tatlo'y nakaharap sa timog, at ang tatlo'y nakaharap sa silangan; at ang dagat ay nakapatong sa mga iyon, at ang lahat na puwitan ng mga iyon ay nasa loob. Ang kapal nito ay isang dangkal; at ang labi niyon ay yaring gaya ng labi ng isang tasa, gaya ng bulaklak na liryo; naglalaman ito ng dalawang libong bat. Siya'y gumawa rin ng sampung patungang tanso; apat na siko ang haba ng bawat isa at apat na siko ang luwang, at tatlong siko ang taas. At ang pagkayari ng mga patungan ay ganito: may mga gilid na takip sa pagitan ng mga dugtungan. Sa mga gilid na takip na nasa pagitan ng mga dugtungan ay may mga leon, mga baka, at mga kerubin. Sa itaas ng mga dugtungan ay mga sugpong na may tuntungan sa ibabaw; at sa ibaba ng mga leon, at mga baka, ay may mga tirintas na mga gawang nakabitin. Bawat patungan ay may apat na gulong na tanso, at mga eheng tanso: at ang apat na paa niyon ay may mga lapatan: sa ilalim ng hugasan ay may mga lapatan na binubo, na may mga tirintas sa siping ng bawat isa. Ang bunganga nito ay nasa loob ng isang kapitel, at ang taas ay may isang siko; at ang bunganga niyon ay bilog ayon sa pagkayari ng tuntungan, na may isang siko't kalahati ang lalim. At sa bunganga niyon ay may mga ukit, at ang mga gilid ng mga iyon ay parisukat, hindi bilog. Ang apat na gulong ay nasa ibaba ng mga gilid; at ang mga ehe ng mga gulong ay kaisang piraso ng patungan; at ang taas ng bawat gulong ay isang siko at kalahati. Ang pagkagawa ng mga gulong ay gaya ng pagkagawa ng mga gulong ng karwahe, ang mga ehe ng mga iyon, at ang mga masa ng mga iyon, at ang mga rayos ng mga iyon at ang mga panggitna niyon ay pawang hinulma. May apat na tukod sa apat na panulok ng bawat patungan: ang mga tukod ay karugtong ng mga patungan. Sa ibabaw ng patungan ay may isang nakabalot na kalahating siko ang taas; at sa ibabaw ng patunga'y nandoon ang mga panghawak, at ang mga gilid ay karugtong niyon. Sa ibabaw ng mga panghawak niyon at sa mga gilid niyon, ay kanyang inukitan ng mga kerubin, mga leon, at mga puno ng palma ayon sa pagitan ng bawat isa, na may mga tirintas sa palibot. Ayon sa paraang ito ay kanyang ginawa ang sampung patungan; lahat ng iyon ay iisa ang pagkabubo, iisa ang sukat, at iisa ang anyo. At siya'y gumawa ng sampung hugasang tanso; ang bawat tanso; ang bawat hugasan ay naglalaman ng apatnapung bat: bawat hugasan ay may apat na siko; at may isang hugasan sa bawat isa ng sampung patungan. Kanyang inilagay ang mga patungan, lima sa gawing timog ng bahay, at lima sa gawing hilaga ng bahay; at kanyang inilagay ang tangke sa timog-silangang sulok ng bahay. Gumawa rin si Hiram ng mga kaldero, ng mga pala, at ng mga palanggana. Gayon tinapos ni Hiram ang lahat ng gawaing kanyang ginawa para kay Haring Solomon, sa bahay ng PANGINOON: ang dalawang haligi, ang dalawang kabilugan sa mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; at ang dalawang yaring lambat na nakatakip sa dalawang kabilugan ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; at ang apatnaraang granada para sa dalawang yaring lambat; ang dalawang hanay na granada sa bawat yaring lambat, upang makaligid sa dalawang kabilugan ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; ang sampung patungan, at ang sampung hugasan sa ibabaw ng mga patungan; at ang isang tangke ng tubig, at ang labindalawang baka sa ilalim ng tangke. Ang mga kaldero, ang mga pala, at ang mga palanggana, lahat ng kasangkapang ito sa bahay ng PANGINOON na ginawa ni Hiram para kay Haring Solomon, ay yari sa pinitpit na tanso. Sa kapatagan ng Jordan hinulma ang mga ito ng hari, sa luwad na nasa pagitan ng Sucot at ng Zaretan. Ang lahat ng kasangkapan ay hindi tinimbang ni Solomon, sapagkat lubhang napakarami; ang timbang ng tanso ay hindi natiyak. Sa gayon ginawa ni Solomon ang lahat ng kasangkapan na nasa bahay ng PANGINOON: ang gintong dambana, at ang gintong hapag para sa tinapay na handog; ang mga ilawan na yari sa lantay na ginto, lima sa gawing timog, lima sa hilaga, sa harap ng panloob na santuwaryo; ang mga bulaklak, ang mga ilaw, at mga pang-ipit ay yari sa ginto; ang mga saro, mga panggupit ng mitsa, mga palanggana, mga lalagyan ng insenso, at mga apuyan ay pawang yari sa lantay na ginto; at ang mga pihitan para sa mga pinto sa kaloob-looban ng bahay, ang kabanal-banalang dako, at ang mga pinto sa gitnang bahagi ng templo ay yari sa ginto. Ganito nayari ang lahat ng ginawa ni Haring Solomon sa bahay ng PANGINOON. Ipinasok ni Solomon ang mga bagay na itinalaga ni David na kanyang ama, ang pilak, ginto, mga lalagyan, at itinago sa mga silid ng kabang-yaman ng bahay ng PANGINOON. Pagkatapos ay tinipon ni Solomon ang matatanda ng Israel at ang lahat ng puno ng mga lipi, ang mga pinuno sa mga sambahayan ng mga ninuno ng bayan ni Israel, sa harapan ni Haring Solomon sa Jerusalem, upang iakyat ang kaban ng tipan ng PANGINOON mula sa lunsod ni David na siyang Zion. Ang lahat ng mamamayan sa Israel ay nagtipon kay Haring Solomon sa kapistahan, sa buwan ng Ethanim, na siyang ikapitong buwan. At ang lahat ng matatanda sa Israel ay nagtipon, at binuhat ng mga pari ang kaban. Kanilang iniakyat ang kaban ng PANGINOON, ang toldang tipanan, at ang lahat ng mga banal na kasangkapan na nasa tolda; iniakyat ang mga ito ng mga pari at ng mga Levita. Si Haring Solomon at ang buong kapulungan ng Israel na nagtipon sa kanyang harapan ay kasama niya sa harap ng kaban na nag-aalay ng napakaraming mga tupa at mga baka na di matuturingan o mabibilang man. At ipinasok ng mga pari ang kaban ng tipan ng PANGINOON sa kalalagyan nito, sa panloob na santuwaryo ng bahay, sa dakong kabanal-banalan, sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin. Sapagkat nakabuka ang mga pakpak ng mga kerubin sa gawing ibabaw ng kaban, anupa't ang mga kerubin ay kumakanlong sa ibabaw ng kaban at sa mga pasanan niyon. Ang mga pasanan ay napakahaba kaya't ang mga dulo ng mga pasanan ay nakikita mula sa dakong banal sa harap ng panloob na santuwaryo, ngunit hindi nakikita sa labas at nandoon ang mga iyon hanggang sa araw naito. Walang anumang bagay sa kaban liban sa dalawang tapyas na bato na inilagay ni Moises doon sa Horeb, na kung saan ang PANGINOON ay nakipagtipan sa mga anak ni Israel, nang sila'y lumabas sa lupain ng Ehipto. Kapag ang mga pari ay lumabas sa dakong banal, ang bahay ng PANGINOON ay napupuno ng ulap, kaya't ang mga pari ay hindi makatayo upang mangasiwa dahil sa ulap; sapagkat napuno ng kaluwalhatian ng PANGINOON ang bahay ng PANGINOON. Pagkatapos ay nagsalita si Solomon, "Sinabi ng PANGINOON na siya'y maninirahan sa makapal na kadiliman. Ipinagtayo kita ng isang marangal na tahanan, isang dako na iyong tatahanan magpakailanman." Humarap ang hari at binasbasan ang buong kapulungan ng Israel, habang ang buong kapulungan ng Israel ay nakatayo. At kanyang sinabi, "Purihin ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel, na sa pamamagitan ng kanyang kamay ay tinupad ang ipinangako ng kanyang bibig kay David na aking ama, na sinasabi, 'Mula nang araw na aking ilabas ang aking bayang Israel mula sa Ehipto, hindi pa ako pumili ng isang lunsod sa lahat ng mga lipi ng Israel upang pagtayuan ng bahay, upang ang aking pangalan ay dumoon; ngunit aking pinili si David upang maghari sa aking bayang Israel.' Nasa puso ni David na aking ama ang magtayo ng isang bahay para sa pangalan ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel. Ngunit sinabi ng PANGINOON kay David na aking ama, 'Nasa iyong puso ang magtayo ng isang bahay para sa aking pangalan, mabuti ang iyong ginawa na iyon ay nasa iyong puso. Gayunma'y hindi mo itatayo ang bahay; kundi ang magiging anak mo ang siyang magtatayo ng bahay para sa aking pangalan.' Ngayon ay tinupad ng PANGINOON ang salitang kanyang sinabi, sapagkat ako'y bumangong kapalit ni David na aking ama, at nakaupo sa trono ng Israel, gaya ng ipinangako ng PANGINOON, at nagtayo ako ng bahay para sa pangalan ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel. At doo'y aking ipinaghanda ng isang lugar ang kaban na kinaroroonan ng tipan ng PANGINOON na kanyang ginawa sa ating mga ninuno, nang kanyang ilabas sila sa lupain ng Ehipto." Pagkatapos ay tumayo si Solomon sa harap ng dambana ng PANGINOON, sa harapan ng buong kapulungan ng Israel, at inilahad ang kanyang mga kamay paharap sa langit. At kanyang sinabi, "O PANGINOON, Diyos ng Israel, walang Diyos na gaya mo sa langit sa itaas, o sa lupa sa ibaba na tumutupad ng tipan at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa iyong mga lingkod na lumalakad sa harap mo ng buong puso nila, na siyang tumupad para sa iyong lingkod na si David na aking ama ng iyong ipinangako sa kanya. Ikaw ay nagsalita sa pamamagitan ng iyong bibig, at tinupad mo ng iyong kamay sa araw na ito. Ngayon, O PANGINOON, Diyos ng Israel, tuparin mo sa iyong lingkod na si David na aking ama ang ipinangako sa kanya, na sinasabi, 'Hindi mawawalan sa iyo ng kapalit sa aking harapan na uupo sa trono ng Israel, kung ang iyong mga anak lamang ay mag-iingat sa kanilang landas, at lalakad sa harap ko gaya ng paglakad mo sa harap ko.' Ngayon, O Diyos ng Israel, idinadalangin ko sa iyo na pagtibayin mo ang iyong salita na iyong sinabi sa iyong lingkod na si David na aking ama. Ngunit totoo bang maninirahan ang Diyos sa lupa? Sa langit at sa pinakamataas na langit ay hindi ka magkakasiya; gaano pa sa bahay na ito na aking itinayo! Gayunma'y iyong pahalagahan ang dalangin ng iyong lingkod at ang kanyang samo, O PANGINOON kong Diyos, na dinggin ang daing at dalangin na idinadalangin ng iyong lingkod sa harapan mo sa araw na ito; na ang iyong mga mata ay maging bukas nawa sa lugar ng bahay na ito gabi at araw, sa lugar na iyong sinabi, Ang aking pangalan ay doroon;' upang iyong dinggin ang panalangin na idadalangin ng iyong lingkod sa lugar na ito. Pakinggan mo ang pakiusap ng iyong lingkod, at ng iyong bayang Israel, kapag sila'y nananalanging paharap sa lugar na ito. Oo, dinggin mo sa langit na iyong tahanan; dinggin mo at patawarin. "Kung ang isang tao ay magkasala laban sa kanyang kapwa, at pinasumpa siya ng isang panata, at siya'y pumarito at manumpa sa harap ng iyong dambana sa bahay na ito, pakinggan mo sa langit, at kumilos ka at hatulan mo ang iyong mga lingkod. Iyong parusahan ang nagkasala sa pamamagitan ng pagpapataw ng kanyang ginawa sa kanyang sariling ulo, at ariing-ganap ang matuwid upang bigyan siya ng ayon sa kanyang pagiging matuwid. "Kapag ang iyong bayang Israel na nagkasala laban sa iyo ay nagapi sa harap ng kaaway ngunit muling nanumbalik sa iyo, at kinilala ang iyong pangalan, nanalangin at nagsumamo sa iyo sa bahay na ito, ay pakinggan mo mula sa langit, at patawarin mo ang kasalanan ng iyong bayang Israel, at dalhin mo sila uli sa lupain na iyong ibinigay sa kanilang mga ninuno. "Kapag ang langit ay nasarhan at walang ulan sapagkat sila'y nagkasala laban sa iyo, at pagkatapos sila'y dumalangin paharap sa dakong ito, at kinilala ang iyong pangalan, at tinalikuran ang kanilang kasalanan, sapagkat iyong pinarusahan sila, pakinggan mo sa langit at patawarin mo ang pagkakasala ng iyong mga lingkod, at ng iyong bayang Israel, at sila'y iyong turuan ng mabuting daan na kanilang dapat lakaran; at bigyan mo ng ulan ang iyong lupain na iyong ibinigay sa iyong bayan bilang pamana. "Kung magkaroon ng taggutom sa lupain, kung magkaroon ng salot, kung magkaroon ng tagtuyot o amag, balang o higad, kung kubkubin sila ng kanilang kaaway sa lupain ng kanilang mga lunsod; anumang salot, anumang sakit na naroon, anumang dalangin at pakiusap na gawin ng sinumang tao, o ng iyong buong bayang Israel, na nalalaman ng bawat tao ang salot sa kanyang sariling puso, at iuunat ang kanyang mga kamay paharap sa bahay na ito, pakinggan mo sa langit na iyong tahanan, magpatawad, kumilos, at gantihan mo ang bawat tao na ang puso ay iyong nalalaman ayon sa lahat niyang mga lakad, sapagkat ikaw, ikaw lamang ang nakakaalam ng mga puso ng lahat ng mga anak ng mga tao — upang sila'y matakot sa iyo sa lahat ng araw ng kanilang buhay sa lupain na iyong ibinigay sa aming mga ninuno. "Gayundin ang dayuhan na hindi kabilang sa iyong bayang Israel, kapag siya'y magmumula sa isang malayong lupain dahil sa iyong pangalan, sapagkat kanilang mababalitaan ang iyong dakilang pangalan, at ang iyong makapangyarihang kamay, at ang iyong nakaunat na bisig, kapag siya'y paparito at dadalangin paharap sa bahay na ito; pakinggan mo sa langit na iyong tahanan, at gawin mo ang ayon sa lahat na ipapanawagan sa iyo ng dayuhan, upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa ang iyong pangalan, upang matakot sa iyo, gaya ng iyong bayang Israel, at upang kanilang makilala na ang bahay na ito na aking itinayo ay tinatawag sa pamamagitan ng iyong pangalan. "Kung ang iyong bayan ay lumabas upang makidigma sa kanyang mga kaaway, saanmang daan mo sila suguin, at sila'y manalangin sa PANGINOON paharap sa lunsod na iyong pinili, at sa bahay na aking itinayo para sa iyong pangalan; dinggin mo sa langit ang kanilang dalangin at ang kanilang kahilingan at panatilihin mo ang kanilang ipinaglalaban. "Kung sila'y nagkasala laban sa iyo, (sapagkat walang taong hindi nagkakasala,) at ikaw ay nagalit sa kanila, at ibigay mo sila sa kaaway, anupa't sila'y dalhing bihag sa lupain ng kaaway sa malayo man o malapit; gayunma'y kung kanilang isapuso ito sa lupain na pinagdalhang-bihag sa kanila, at sila'y magsisi, at magsumamo sa iyo sa lupain ng nagdalang-bihag sa kanila na nagsasabi, 'Kami ay nagkasala, at kami ay gumawa ng kalikuan, at kami ay gumagawa ng kasamaan'; Kung sila'y magsisi ng buong puso nila at ng buong kaluluwa nila sa lupain ng kanilang mga kaaway, na nagdalang-bihag sa kanila at manalangin sa iyo paharap sa kanilang lupain na iyong ibinigay sa kanilang mga ninuno sa lunsod na pinili mo, at sa bahay na aking itinayo na ukol sa iyong pangalan, pakinggan mo ang kanilang dalangin at ang kanilang samo sa langit na iyong tahanan, at panatilihin mo ang kanilang ipinaglalaban. Patawarin mo ang iyong bayan na nagkasala laban sa iyo, at ang lahat nilang pagsuway na kanilang ginawa laban sa iyo. Mahabag ka sa kanila sa harap ng mga nagdalang-bihag sa kanila, upang sila'y mahabag sa kanila (sapagkat sila'y iyong bayan at iyong mana, na iyong inilabas sa Ehipto mula sa gitna ng hurnong bakal). Mabuksan nawa ang iyong mga mata sa dalangin ng iyong lingkod at sa dalangin ng iyong bayang Israel, na iyong dinggin sila kapag sila'y tumatawag sa iyo. Sapagkat iyong ibinukod sila mula sa lahat ng mga bayan sa lupa, upang maging iyong mana, gaya ng iyong ipinahayag sa pamamagitan ni Moises na iyong lingkod, nang iyong ilabas ang aming mga ninuno sa Ehipto, O Panginoong DlYOS." Pagkatapos na ialay ni Solomon ang lahat ng dalangin at samong ito sa PANGINOON, siya'y tumindig mula sa harap ng dambana ng PANGINOON at doon ay lumuhod na ang kanyang mga kamay ay nakalahad paharap sa langit. Siya'y tumayo, at binasbasan ang buong kapulungan ng Israel ng may malakas na tinig, na sinasabi, "Purihin ang PANGINOON na nagbigay ng kapahingahan sa kanyang bayang Israel, ayon sa lahat ng kanyang ipinangako. Walang nagkulang ni isang salita sa lahat niyang mabuting pangako na kanyang ipinangako sa pamamagitan ni Moises na kanyang lingkod. Sumaatin nawa ang PANGINOON nating Diyos, kung paanong siya'y sumaating mga magulang, huwag nawa niya tayong iwan o pabayaan man; upang kanyang ibaling ang ating mga puso sa kanya, upang lumakad sa lahat ng kanyang mga daan, at sundin ang kanyang mga utos, at ang kanyang mga tuntunin, at ang kanyang mga kahatulan na kanyang iniutos sa ating mga ninuno. At ang mga salitang ito na aking idinalangin sa harap ng PANGINOON ay malapit nawa sa PANGINOON nating Diyos sa araw at gabi, at panatilihin nawa niya ang ipinaglalaban ng kanyang lingkod, at ang ipinaglalaban ng kanyang bayang Israel, ayon sa kailangan sa bawat araw; upang malaman ng lahat ng tao sa lupa, na ang PANGINOON ay Diyos; walang iba. Kaya't maging tapat nawa ang inyong puso sa PANGINOON nating Diyos, na lumakad sa kanyang mga tuntunin, at sundin ang kanyang mga utos, gaya sa araw na ito." Pagkatapos, ang hari at ang buong Israel na kasama niya ay naghandog ng alay sa harap ng PANGINOON. Nag-alay si Solomon bilang mga handog pangkapayapaan sa PANGINOON, ng dalawampu't dalawang libong baka, at isandaan at dalawam-pung libong tupa. Ganito itinalaga ng hari at ng lahat ng mga anak ni Israel ang bahay ng PANGINOON. Nang araw ding iyon ay ginawang banal ng hari ang gitna ng bulwagan na nasa harap ng bahay ng PANGINOON, sapagkat doon niya inialay ang handog na sinusunog, ang handog na butil, at ang mga piraso ng taba ng mga handog pangkapayapaan, sapagkat ang tansong dambana na nasa harap ng PANGINOON ay napakaliit, na hindi magkasiya roon ang handog na sinusunog, ang handog na butil, at ang taba ng mga handog pangkapayapaan. Gayon ipinagdiwang ni Solomon ang kapistahan nang panahong iyon at ng buong Israel na kasama niya, isang malaking pagtitipon, mula sa pasukan sa Hamat hanggang sa batis ng Ehipto, sa harap ng PANGINOON nating Diyos, pitong araw, at pitong araw, samakatuwid ay labing-apat na araw. Nang ikawalong araw ay kanyang pinauwi ang taong bayan; at kanilang pinuri ang hari at naparoon sa kanilang mga tolda na nagagalak at may masayang puso dahil sa lahat ng kabutihan na ipinakita ng PANGINOON kay David na kanyang lingkod, at sa Israel na kanyang bayan. At nangyari, nang matapos ni Solomon ang pagtatayo ng bahay ng PANGINOON, at ng bahay ng hari, at ang lahat ng nais ipatayo ni Solomon, ang PANGINOON ay nagpakita kay Solomon sa ikalawang pagkakataon, gaya ng pagpapakita niya sa kanya sa Gibeon. At sinabi ng PANGINOON sa kanya, "Narinig ko ang iyong dalangin at pagsusumamo na iyong sinabi sa harap ko. Ginawa kong banal ang bahay na ito na iyong itinayo, at inilagay ko ang aking pangalan doon magpakailanman; ang aking mga mata at ang aking puso ay doroong palagi. Tungkol sa iyo, kung ikaw ay lalakad sa harap ko, gaya ng paglakad ni David na iyong ama sa katapatan ng puso at sa katuwiran, at gagawa ka ng ayon sa lahat ng aking iniutos sa iyo, at tutuparin mo ang aking mga tuntunin at mga batas, ay akin ngang itatatag ang trono ng iyong kaharian sa Israel magpakailanman, ayon sa aking ipinangako kay David na iyong ama, na sinasabi, 'Hindi mawawalan sa iyo ng papalit sa trono ng Israel.' "Ngunit kung kayo ay lumihis sa pagsunod sa akin, kayo o ang inyong mga anak, at hindi tuparin ang aking mga utos at mga tuntunin na aking inilagay sa harap ninyo, kundi kayo'y humayo at maglingkod sa ibang mga diyos, at sumamba sa kanila; ay aking ihihiwalay ang Israel sa lupain na aking ibinigay sa kanila. Ang bahay na ito na aking ginawang banal para sa aking pangalan ay aking aalisin sa aking paningin, at ang Israel ay magiging kawikaan at kukutyain sa gitna ng lahat ng tao. At bagaman ang bahay na ito ay mataas, ang bawat magdaan sa kanya ay magtataka at susutsot at kanilang sasabihin, 'Bakit ginawa ng PANGINOON ang ganito sa lupaing ito, at sa bahay na ito?' At sila'y sasagot, 'Sapagkat kanilang pinabayaan ang PANGINOON nilang Diyos na naglabas sa kanilang mga magulang sa lupain ng Ehipto, at yumakap sa ibang mga diyos, at sinamba nila at pinaglingkuran nila; kaya't ipinaranas ng PANGINOON sa kanila ang lahat ng kasamaang ito.'" At sa katapusan ng dalawampung taon, nang maitayo ni Solomon ang dalawang gusali, ang bahay ng PANGINOON at ang bahay ng hari, at si Hiram na hari ng Tiro ay nagpadala kay Solomon ng mga kahoy na sedro, mga kahoy na sipres, ng ginto, hangga't gusto niya. Binigyan ni Haring Solomon si Hiram ng dalawampung lunsod sa lupain ng Galilea. Ngunit nang dumating si Hiram mula sa Tiro upang tingnan ang mga lunsod na ibinigay ni Solomon sa kanya, hindi niya naibigan ang mga ito. Kaya't kanyang sinabi, "Anong uring mga lunsod itong ibinigay mo sa akin, kapatid ko?" Kaya't tinawag ang mga iyon na lupain ng Cabul, hanggang sa araw na ito. Nagpadala si Hiram ng isang daan at dalawampung talentong ginto sa hari. Ito ang kadahilanan ng sapilitang paggawa na iniatang ni Haring Solomon, upang itayo ang bahay ng PANGINOON at ang kanyang bahay, at ang Milo at ang pader ng Jerusalem, ang Hazor, ang Megido, at ang Gezer. Si Faraon na hari ng Ehipto ay umahon at sinakop ang Gezer, at sinunog ng apoy, at pinatay ang mga Cananeo na nakatira sa lunsod, at ibinigay iyon bilang dote sa kanyang anak na babae na asawa ni Solomon. Kaya't itinayong muli ni Solomon ang Gezer, ang ibabang Bet-horon, ang Baalat, ang Tamar sa ilang, sa lupain ng Juda, ang lahat ng lunsod na imbakan na pag-aari ni Solomon, ang mga lunsod para sa kanyang mga karwahe, ang mga lunsod para sa kanyang mga mangangabayo, ang anumang naisin ni Solomon na itayo sa Jerusalem, sa Lebanon, at sa lahat ng lupaing sakop niya. Ang lahat ng mga taong naiwan sa mga Amoreo, mga Heteo, mga Perezeo, mga Heveo, at sa mga Jebuseo, na hindi kabilang sa mga anak ng Israel; ang kanilang mga anak na naiwan sa lupain pagkamatay nila na hindi nalipol ng mga anak ni Israel, ay ginawa ni Solomon na mga sapilitang alipin, hanggang sa araw na ito. Ngunit sa mga anak ni Israel ay walang ginawang alipin si Solomon, kundi sila'y mga lalaking mandirigma, mga lingkod, mga pinuno, mga punong kawal, at mga pinuno sa kanyang mga karwahe, at sa kanyang mga mangangabayo. Ito ang mga punong kapatas na nangasiwa sa gawain ni Solomon, limang daan at limampu na namumuno sa mga manggagawa. Ngunit ang anak na babae ni Faraon ay umahon mula sa lunsod ni David patungo sa kanyang bahay na itinayo ni Solomon para sa kanya, pagkatapos ay itinayo niya ang Milo. Tatlong ulit sa isang taon naghahandog si Solomon ng mga handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan sa ibabaw ng dambana na kanyang itinayo para sa PANGINOON, at nagsusunog ng insenso sa harap ng PANGINOON. Sa gayon ay natapos niya ang bahay. Nagpagawa si Haring Solomon ng mga barko sa Ezion-geber na malapit sa Elot, sa baybayin ng Dagat na Pula, sa lupain ng Edom. Nagpadala si Hiram ng mga sasakyan ng kanyang mga tauhan, na mga mandaragat na bihasa sa karagatan, kasama ng mga tauhan ni Solomon. At sila'y pumaroon sa Ofir at kumuha mula roon ng ginto, na apatnaraan at dalawampung talento, at dinala ang mga iyon kay Haring Solomon. Nang mabalitaan ng reyna ng Seba ang katanyagan ni Solomon tungkol sa pangalan ng PANGINOON, pumunta siya upang kanyang subukin siya ng mahihirap na tanong. Siya'y pumunta sa Jerusalem na may napakaraming alalay, may mga kamelyo na may pasang mga pabango at napakaraming ginto at mamahaling bato; at nang siya'y dumating kay Solomon ay kanyang sinabi sa kanya ang lahat ng laman ng kanyang isipan. Sinagot ni Solomon ang lahat ng kanyang mga tanong; walang bagay na lihim sa hari na hindi niya ipinaliwanag sa kanya. Nang makita ng reyna ng Seba ang lahat ng karunungan ni Solomon, at ang bahay na kanyang itinayo, at ang pagkain sa kanyang hapag, ang pagkakaayos ng kanyang mga lingkod, ang paglilingkod ng kanyang mga tagapangasiwa, ang kanilang mga pananamit, ang kanyang mga tagahawak ng saro, ang kanyang mga handog na sinusunog na kanyang inialay sa bahay ng PANGINOON, ay nawalan na siya ng diwa. At sinabi niya sa hari, "Totoo ang balita na aking narinig sa aking sariling lupain tungkol sa iyong mga kalagayan at karunungan. Gayunma'y hindi ko pinaniwalaan ang mga balita hanggang sa ako'y dumating, at nakita ng aking mga mata. Wala pang kalahati ang nasabi sa akin; ang iyong karunungan at kasaganaan ay higit kaysa ulat na aking narinig. Mapapalad ang iyong mga tauhan, mapapalad ang iyong mga lingkod na ito na patuloy na nakatayo sa harapan mo, at nakakarinig ng iyong karunungan. Purihin ang PANGINOON mong Diyos na nalulugod sa iyo, at naglagay sa iyo sa trono ng Israel. Sapagkat minamahal ng PANGINOON ang Israel magpakailanman, ginawa ka niyang hari upang maglapat ng katarungan at katuwiran." Siya'y nagbigay sa hari ng isandaan at dalawampung talentong ginto, napakaraming mga pabango at mamahaling bato. Kailanma'y hindi muling nagkaroon ng gayong kasaganaan ng mga pabango, gaya ng mga ito na ibinigay ng reyna ng Seba kay Haring Solomon. Ang mga sasakyang dagat naman ni Hiram na nagsipagdala ng ginto mula sa Ofir, ay nagsipagdala ng napakaraming kahoy na almug at mamahaling bato mula sa Ofir. Ginawa ng hari ang mga kahoy na almug na mga haligi sa bahay ng PANGINOON, at sa bahay ng hari; at ginawa ring mga lira at mga alpa para sa mga mang-aawit; kailanma'y hindi dumating o nakita man ang mga gayong kahoy na almug hanggang sa araw na ito. At si Haring Solomon ay nagbigay sa reyna ng Seba ng lahat niyang naibigan, at lahat niyang hiningi, bukod doon sa ibinigay ni Solomon sa kanya na kaloob ng hari. Sa gayo'y bumalik siya at ang kanyang mga lingkod sa kanyang sariling lupain. Ang timbang ng ginto na dumating kay Solomon sa isang taon ay animnaraan at animnapu't anim na talentong ginto, bukod doon sa nagmula sa mga nakikipagpalitan at sa kalakal ng mga mangangalakal, at mula sa lahat ng hari ng Arabia at mga gobernador ng lupain. Si Haring Solomon ay gumawa ng dalawang daang malalaking kalasag ng pinitpit na ginto; animnaraang siklong ginto ang ginamit sa bawat kalasag. At siya'y gumawa pa ng tatlong daang kalasag na pinitpit na ginto; tatlong librang ginto ang ginamit sa bawat kalasag, at inilagay ito ng hari sa Bahay ng Gubat ng Lebanon. Bukod dito'y gumawa ang hari ng isang malaking tronong garing, at binalot iyon ng pinakamataas na uring ginto. May anim na baytang sa trono, at sa likod ng trono ay may ulo ng guya at may mga patungan ng kamay sa bawat tagiliran ng upuan, at may dalawang leon na nakatayo sa tabi ng mga patungan ng kamay, at may labindalawang leon na nakatayo roon, isa sa magkabilang dulo ng anim na baytang. Walang nagawang tulad niyon sa alinmang kaharian. At ang lahat ng sisidlang inuman ni Haring Solomon ay yari sa ginto, at ang lahat ng sisidlan sa Bahay ng Gubat ng Lebanon ay lantay na ginto; walang yari sa pilak sapagkat hindi mahalaga iyon sa mga araw ni Solomon. Sapagkat ang hari ay may mga sasakyang pandagat na yari sa Tarsis na kasama ng mga sasakyang dagat ni Hiram. Minsan sa bawat tatlong taon ay dumarating ang mga sasakyang dagat na yari sa Tarsis na nagdadala ng ginto, pilak, garing, mga unggoy, at mga pabo real. Sa gayo'y si Haring Solomon ay nakakahigit sa lahat ng mga hari sa daigdig sa kayamanan at karunungan. Nais ng buong daigdig na makaharap si Solomon upang makinig sa kanyang karunungan na inilagay ng Diyos sa kanyang puso. Bawat isa sa kanila ay nagdala ng kanya-kanyang kaloob, mga kagamitang pilak at ginto, mga damit, mga sandata, mga pabango, mga kabayo, at mga mola, na napakarami taun-taon. Nagtipon si Solomon ng mga karwahe at ng mga mangangabayo; siya'y may isang libo't apatnaraang karwahe at labindalawang libong mangangabayo na kanyang inilagay sa mga lunsod para sa mga karwahe, at mayroon ding kasama ng hari sa Jerusalem. Ginawa ng hari na karaniwan ang pilak sa Jerusalem na tulad ng bato, at ang mga sedro ay ginawa niyang kasing dami ng mga puno ng sikomoro ng Shefela. Ang mga kabayo na pag-aari ni Solomon ay inangkat pa sa Ehipto at Kue; at ang mga mangangalakal ng hari ay bumibili ng mga iyon mula sa Kue sa takdang halaga. Ang isang karwahe ay maaangkat sa Ehipto sa halagang animnaraang siklong pilak, at ang isang kabayo ay isandaan at limampu, at sa gayong paraan ay kanilang iniluwas sa lahat ng hari ng mga Heteo, at sa mga hari ng Siria. Si Haring Solomon ay umibig sa maraming babaing banyaga: sa anak ni Faraon, sa mga babaing Moabita, Ammonita, Edomita, Sidonia, at Heteo; mula sa mga bansa na tungkol sa mga iyon ay sinabi ng PANGINOON sa mga anak ni Israel, "Kayo'y huwag makihalubilo sa kanila, at sila man ay huwag makihalubilo sa inyo, sapagkat tiyak na kanilang ililigaw ang inyong puso sa pagsunod sa kanilang mga diyos." Nahumaling si Solomon sa mga ito dahil sa pag-ibig. Siya'y nagkaroon ng pitong daang asawa, mga prinsesa, at tatlong daang asawang-lingkod, at iniligaw ng kanyang mga asawa ang kanyang puso. Sapagkat nang si Solomon ay matanda na, iniligaw ng kanyang mga asawa ang kanyang puso sa ibang mga diyos, at ang kanyang puso ay hindi naging lubos na tapat sa PANGINOON niyang Diyos, gaya ng puso ni David na kanyang ama. Sapagkat si Solomon ay sumunod kay Astarte, diyosa ng mga Sidonio, at kay Malcam, na karumaldumal ng mga Ammonita. Sa gayon gumawa si Solomon ng masama sa paningin ng PANGINOON, at hindi lubos na sumunod sa PANGINOON, gaya ng ginawa ni David na kanyang ama. Pagkatapos ay ipinagtayo ni Solomon ng mataas na dako si Cemos na karumaldumal ng Moab, sa bundok na nasa silangan ng Jerusalem at si Molec na kasuklamsuklam ng mga anak ni Ammon. Gayon ang ginawa niya para sa lahat ng kanyang mga asawang banyaga, na nagsunog ng mga insenso at naghain sa kani-kanilang mga diyos. Kaya't ang PANGINOON ay nagalit kay Solomon, sapagkat ang kanyang puso ay lumayo sa PANGINOON, sa Diyos ng Israel, na nagpakita sa kanya ng dalawang ulit; at siyang nag-utos sa kanya tungkol sa bagay na ito na siya'y huwag sumunod sa ibang mga diyos; ngunit hindi niya iningatan ang iniutos ng PANGINOON. Kaya't sinabi ng PANGINOON kay Solomon, "Yamang ito'y nagawa mo, at hindi mo tinupad ang aking tipan, at ang aking mga tuntunin na aking iniutos sa iyo, tiyak na aking aagawin ang kaharian sa iyo at aking ibibigay sa iyong lingkod. Gayunma'y hindi ko ito gagawin sa iyong mga araw alang-alang kay David na iyong ama; kundi aagawin ko ito sa kamay ng iyong anak. Gayunma'y hindi ko aagawin ang buong kaharian kundi ibibigay ko ang isang lipi sa iyong anak alang-alang kay David na aking lingkod, at alang-alang sa Jerusalem na aking pinili." At pinadalhan ng PANGINOON si Solomon ng isang kaaway, si Hadad na Edomita; siya'y mula sa sambahayan ng hari sa Edom, Sapagkat nang si David ay nasa Edom, at si Joab na pinuno ng hukbo ay umahon upang ilibing ang mga napatay, pinatay niya ang lahat ng lalaki sa Edom, (sapagkat si Joab at ang buong Israel ay nanirahan doon ng anim na buwan, hanggang sa kanyang mapatay ang lahat ng lalaki sa Edom;) ngunit si Hadad ay tumakas patungo sa Ehipto, kasama ang ilan sa mga Edomita na mga tauhan ng kanyang ama. Si Hadad noo'y munting bata pa. Sila'y umalis sa Midian at dumating sa Paran. Sila'y nagsama ng mga lalaki mula sa Paran at sila'y nagsiparoon sa Ehipto, kay Faraon na hari sa Ehipto na siyang nagbigay sa kanya ng bahay; pagkain, at lupain. At si Hadad ay nakatagpo ng malaking biyaya sa paningin ni Faraon, kaya't ibinigay ng Faraon sa kanya upang maging kanyang asawa ang kapatid ng kanyang sariling asawa, ang kapatid ni Tapenes na reyna. Naging anak ng kapatid ni Tapenes sa kanya ang batang lalaking si Genubat, na inalagaan ni Tapenes sa bahay ni Faraon; at si Genubat ay nasa bahay ni Faraon na kasama ng mga anak ni Faraon. Nang mabalitaan ni Hadad sa Ehipto na si David ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at si Joab na pinuno ng hukbo ay namatay na, sinabi ni Hadad kay Faraon, "Payagan mong humayo ako upang makauwi sa aking sariling lupain." Ngunit sinabi ni Faraon sa kanya, "Anong ipinagkukulang mo sa akin at ngayon ay nais mong umuwi sa iyong sariling lupain?" At siya"y sumagot, "Wala; gayunma'y ipinapakiusap ko sa iyo na payagan mo akong umalis." Pinadalhan ng Diyos si Solomon ng isa pang kaaway, si Rezon na anak ni Eliada, na tumakas sa kanyang panginoong si Hadadezer na hari ng Soba. Siya'y nagtipon ng mga lalaki at naging pinuno ng isang pangkat ng magnanakaw, pagkatapos na patayin ni David. Sila'y pumunta sa Damasco at nanirahan doon at ginawa siyang hari sa Damasco. Siya'y naging kaaway ng Israel sa lahat ng araw ni Solomon, na gumagawa ng kaguluhan tulad ni Hadad; at kanyang kinapootan ang Israel at naghari sa Siria. Si Jeroboam na anak ni Nebat, isang Efrateo sa Zereda na lingkod ni Solomon, na ang pangalan ng ina ay Zerua, isang babaing balo, ay nagtaas din ng kanyang kamay laban sa hari. Ito ang kadahilanan ng pagtataas niya ng kanyang kamay laban sa hari: itinayo ni Solomon ang Milo at sinarhan ang butas sa lunsod ni David na kanyang ama. Ang lalaking si Jeroboam ay makapangyarihang lalaki at matapang, at nang nakita ni Solomon na masipag ang kabataan, kanyang ipinagkatiwala sa kanya ang lahat ng sapilitang gawain ng sambahayan ni Jose. Nang panahong iyon, nang si Jeroboam ay lumabas sa Jerusalem, nakasalubong niya sa daan si propeta Ahias na Shilonita. Si Ahias noon ay may suot na bagong kasuotan; at silang dalawa lamang ang tao sa parang. Hinubad ni Ahias ang bagong kasuotan niya, at pinagpunit-punit ng labindalawang piraso. At kanyang sinabi kay Jeroboam, Kunin mo para sa iyo ang sampung piraso, sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng Israel, "Aking aagawin ang kaharian sa kamay ni Solomon, at ibibigay ko ang sampung lipi sa iyo. Ang isang lipi ay mananatili sa kanya alang-alang sa aking lingkod na si David at alang-alang sa Jerusalem, ang lunsod na aking pinili sa lahat ng mga lipi ng Israel. Ito ay sapagkat kanilang tinalikuran ako, at sinamba si Astarte na diyosa ng mga Sidonio, si Cemos na diyos ng Moab, at si Malcam na diyos ng mga anak ni Ammon. Sila'y hindi lumakad sa aking mga daan upang gawin ang matuwid sa aking paningin, at upang tuparin ang aking mga tuntunin at mga batas, gaya ng ginawa ni David na kanyang ama. Gayunma'y hindi ko kukunin ang buong kaharian sa kanyang kamay, kundi gagawin ko siyang pinuno sa lahat ng araw ng kanyang buhay, alang-alang kay David na aking lingkod na aking pinili, sapagkat kanyang tinupad ang aking mga utos at mga tuntunin. Ngunit aking kukunin ang kaharian sa kamay ng kanyang anak at ibibigay ko sa iyo ang sampung lipi. Sa kanyang anak ay ibibigay ko ang isang lipi upang si David na aking lingkod ay magkaroon ng ilawan magpakailanman sa harap ko sa Jerusalem, ang lunsod na aking pinili upang ilagay ang aking pangalan doon. Kukunin kita at ikaw ay maghahari ayon sa buong ninanasa ng iyong kaluluwa, at magiging hari ka sa Israel. Kung iyong diringgin ang lahat ng aking iniuutos sa iyo, at lalakad sa aking mga daan, at gagawin ang matuwid sa aking paningin, upang tuparin ang aking mga tuntunin at mga utos, gaya ng ginawa ni David na aking lingkod; sasamahan kita at ipagtatayo kita ng isang panatag na sambahayan, gaya ng aking itinayo para kay David, at ibibigay ko sa iyo ang Israel. Dahil dito'y aking pahihirapan ang binhi ni David, ngunit hindi magpakailanman." Pinagsikapan ni Solomon na patayin si Jeroboam, ngunit si Jeroboam ay tumindig, at tumakas patungo sa Ehipto, kay Shishac, na hari ng Ehipto, at tumira sa Ehipto hanggang sa pagkamatay ni Solomon. Ngayon, ang iba sa mga gawa ni Solomon, at ang lahat ng kanyang ginawa, at ang kanyang karunungan, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Gawa ni Solomon? At ang panahon na naghari si Solomon sa Jerusalem sa buong Israel ay apatnapung taon. At natulog si Solomon na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing sa lunsod ni David na kanyang ama; at si Rehoboam na kanyang anak ay naghari na kapalit niya. Si Rehoboam ay nagtungo sa Shekem, sapagkat ang buong Israel ay nagtungo sa Shekem upang gawin siyang hari. Nang mabalitaan iyon ni Jeroboam na anak ni Nebat (sapagkat siya'y nasa Ehipto pa, na doon siya'y tumakas mula sa harapan ni Haring Solomon), siya ay bumalik mula sa Ehipto. Sila'y nagsugo at kanilang ipinatawag siya. Si Jeroboam at ang buong kapulungan ng Israel ay dumating, at nagsabi kay Rehoboam, "Pinabigat ng iyong ama ang pasanin namin. Ngayon ay pagaanin mo ang mabigat na paglilingkod sa iyong ama, at ang mabigat niyang pamatok na iniatang niya sa amin, at kami ay maglilingkod sa iyo." At sinabi niya sa kanila, "Humayo kayo, at pagkaraan ng tatlong araw ay bumalik kayo sa akin." Umalis nga ang taong bayan. Pagkatapos si Haring Rehoboam ay humingi ng payo sa matatandang lalaki na tumayo sa harap ni Solomon na kanyang ama samantalang siya'y nabubuhay pa, na sinasabi, "Anong payo ang maibibigay ninyo sa akin, upang isagot sa bayang ito?" At sinabi nila sa kanya, "Kung ikaw ay magiging lingkod sa bayang ito sa araw na ito at maglilingkod sa kanila, at magsasabi ng mabubuting salita kapag sinasagot mo sila, ay magiging mga lingkod mo nga sila magpakailanman." Ngunit tinalikuran niya ang payo ng matatanda na kanilang ibinigay sa kanya, at humingi ng payo sa mga kabataang lalaking nagsilaking kasama niya na tumayo sa harap niya. At sinabi niya sa kanila, "Anong maipapayo ninyo na dapat nating isagot sa bayang ito, na nagsabi sa akin, 'Pagaanin mo ang pasanin na iniatang ng iyong ama sa amin'?" Ang kanyang mga kababata ay nagsabi sa kanya, "Ganito ang iyong sasabihin sa bayang ito na nagsabi sa iyo, 'Pinabigat ng iyong ama ang pasanin namin, ngunit pagaanin mo sa amin.' Ganito ang iyong sasabihin sa kanila, Ang aking kalingkingan ay mas makapal kaysa mga balakang ng aking ama. At yaman ngang inatangan kayo ng aking ama ng mabigat na pasanin, ay aking dadagdagan pa ang pasanin ninyo. Pinarusahan kayo ng aking ama ng mga latigo; ngunit parurusahan ko kayo ng mga alakdan.'" Kaya't naparoon si Jeroboam at ang buong bayan kay Rehoboam sa ikatlong araw, gaya ng iniutos ng hari, "Bumalik kayo sa akin sa ikatlong araw." Mabagsik na sinagot ng hari ang mga tao at tinalikuran ang payo na ibinigay sa kanya ng matatanda. At nagsalita siya sa kanila ayon sa payo ng mga kabataan na nagsasabi, "Pinabigat ng aking ama ang inyong pasanin, ngunit pabibigatan ko pa ang inyong pasanin. Pinarusahan kayo ng aking ama ng mga latigo, ngunit parurusahan ko kayo ng mga alakdan." Sa gayo'y hindi dininig ng hari ang bayan sapagkat iyon ay pinapangyari ng PANGINOON upang kanyang matupad ang kanyang salita na sinabi ng PANGINOON sa pamamagitan ni Ahias na Shilonita kay Jeroboam na anak ni Nebat. Nang makita ng buong Israel na hindi sila dininig ng hari, sumagot ang bayan sa hari, na nagsasabi, "Anong bahagi mayroon kami kay David? Wala kaming mana sa anak ni Jesse. Sa iyong mga tolda, O Israel! Ngayon ikaw na ang bahala sa iyong sariling sambahayan, David." Sa gayo'y humayo ang Israel sa kanya-kanyang tolda. Ngunit si Rehoboam ay naghari sa mga anak ni Israel na naninirahan sa mga lunsod ng Juda. Nang magkagayo'y sinugo ni Haring Rehoboam si Adoram na tagapangasiwa sa sapilitang paggawa, at siya'y binato ng buong Israel, hanggang siya'y mamatay. At nagmadali si Haring Rehoboam na sumakay sa kanyang karwahe upang tumakas patungo sa Jerusalem. Gayon naghimagsik ang Israel laban sa sambahayan ni David, hanggang sa araw na ito. Nang mabalitaan ng buong Israel na si Jeroboam ay bumalik na, sila'y nagsugo at ipinatawag siya sa kapulungan, at ginawa siyang hari sa buong Israel. Walang sumunod sa sambahayan ni David kundi ang lipi ni Juda lamang. Nang dumating si Rehoboam sa Jerusalem, kanyang tinipon ang buong sambahayan ng Juda at ang lipi ni Benjamin na binubuo ng isandaan at walumpung libong piling lalaking mandirigma upang lumaban sa sambahayan ng Israel at ibalik ang kaharian kay Rehoboam na anak ni Solomon. Ngunit ang salita ng Diyos ay dumating kay Shemaya na tao ng Diyos, na nagsasabi, Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon, na hari sa Juda, at sa buong sambahayan ng Juda, ng Benjamin, at sa nalabi sa bayan, na nagsasabi, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, Huwag kayong aahon o makikipaglaban sa inyong mga kapatid na mga anak ni Israel. Bumalik ang bawat isa sa kanyang bahay, sapagkat ang bagay na ito ay mula sa akin." Sa gayo'y kanilang dininig ang salita ng PANGINOON, at sila'y umuwi, ayon sa salita ng PANGINOON. Itinayo ni Jeroboam ang Shekem sa lupaing maburol ng Efraim, at nanirahan doon; at siya'y umalis roon at itinayo ang Penuel. At sinabi ni Jeroboam sa kanyang sarili, "Ngayo'y maibabalik ang kaharian sa sambahayan ni David, kapag ang bayang ito ay umahon upang maghandog ng mga alay sa bahay ng PANGINOON sa Jerusalem, ang puso ng bayang ito'y babalik sa kanilang panginoon, samakatuwid ay kay Rehoboam na hari sa Juda. Ako'y papatayin nila at babalik sila kay Rehoboam na hari ng Juda." Kaya't ang hari ay humingi ng payo at gumawa ng dalawang guyang ginto. Sinabi niya sa kanila, "Kalabisan na sa inyo ang pumunta pa sa Jerusalem. Masdan mo O Israel, ang iyong mga diyos na nagdala sa inyo mula sa lupain ng Ehipto." Inilagay niya ang isa sa Bethel at ang isa'y sa Dan. Ang bagay na ito ay naging kasalanan sapagkat ang bayan ay umahon upang sumamba sa harap ng nasa Bethel at nagtungo rin sila sa Dan. Gumawa rin siya ng mga bahay sa matataas na dako, at nagtalaga ng mga pari mula sa taong bayan na hindi kabilang sa mga anak ni Levi. Si Jeroboam ay nagtakda ng isang kapistahan sa ikalabinlimang araw ng ikawalong buwan, gaya ng kapistahan sa Juda, at siya'y naghandog sa ibabaw ng dambana. Gayon ang ginawa niya sa Bethel, na kanyang hinahandugan ang mga guya na kanyang ginawa. At kanyang inilagay sa Bethel ang mga pari ng matataas na dako na kanyang ginawa. Siya'y umakyat sa dambana na kanyang ginawa sa Bethel nang ikalabinlimang araw ng ikawalong buwan, sa buwan na binalak ng kanyang sariling puso. Nagtakda siya ng isang kapistahan sa mga anak ni Israel at umakyat sa dambana upang magsunog ng insenso. Dumating ang isang tao ng Diyos mula sa Juda ayon sa salita ng PANGINOON sa Bethel. Si Jeroboam ay nakatayo sa tabi ng dambana upang magsunog ng insenso. Ang lalaki ay sumigaw laban sa dambana ayon sa salita ng PANGINOON, "O dambana, dambana, ganito ang sabi ng PANGINOON: 'Isang batang lalaki ang ipapanganak sa sambahayan ni David na ang pangalan ay Josias; at iaalay niya sa ibabaw mo ang mga pari ng matataas na dako, na nagsusunog ng insenso sa iyo, at mga buto ng mga taong susunugin sa ibabaw mo.'" At siya'y nagbigay ng tanda nang araw ding iyon na sinasabi, "Ito ang tanda na sinabi ng PANGINOON, 'Ang dambana ay mawawasak at ang mga abo na nasa ibabaw nito ay matatapon.'" Nang marinig ng hari ang salita ng tao ng Diyos na kanyang isinigaw laban sa dambana sa Bethel, iniunat ni Jeroboam ang kanyang kamay mula sa dambana, at sinabi, "Hulihin siya." At ang kanyang kamay na kanyang iniunat laban sa kanya ay natuyo, anupa't hindi niya ito maibalik sa kanyang sarili. Ang dambana ay nawasak at ang mga abo ay natapon mula sa dambana, ayon sa tanda na ibinigay ng tao ng Diyos sa pamamagitan ng salita ng PANGINOON. Ang hari ay sumagot at sinabi sa tao ng Diyos, "Hilingin mo ngayon ang biyaya ng PANGINOON mong Diyos, at idalangin mo ako, upang ang aking kamay ay bumalik sa kanyang sarili." At idinalangin siya ng tao ng Diyos sa PANGINOON, at ang kamay ng hari ay bumalik sa kanyang sarili, at naging gaya ng dati." At sinabi ng hari sa tao ng Diyos, "Umuwi kang kasama ko, kumain ka, at bibigyan kita ng gantimpala." Sinabi ng tao ng Diyos sa hari, "Kung ibibigay mo sa akin ang kalahati ng iyong bahay ay hindi ako hahayong kasama mo, o kakain man ako ng tinapay o iinom man ako ng tubig sa dakong ito; Sapagkat iyon ang iniutos sa akin ng salita ng PANGINOON, Huwag kang kakain ng tinapay, o iinom man ng tubig, ni babalik man sa daan na iyong pinanggalingan." Kaya't dumaan siya sa ibang daan, at hindi na bumalik sa daan na kanyang dinaanan patungo sa Bethel. Noon ay may naninirahang isang matandang propeta sa Bethel. Ang isa sa kanyang mga anak ay naparoon, at isinalaysay sa kanya ang lahat ng mga ginawa ng tao ng Diyos sa araw na iyon sa Bethel; ang mga salita na kanyang sinabi sa hari ay siya ring isinalaysay nila sa kanilang ama. Sinabi ng kanilang ama sa kanila, "Saan siya dumaan?" At itinuro sa kanya ng kanyang mga anak ang daang dinaraanan ng tao ng Diyos na nanggaling sa Juda. Sinabi niya sa kanyang mga anak, "Ihanda ninyo para sa akin ang asno." Sa gayo'y kanilang inihanda ang asno para sa kanya at kanyang sinakyan. Kanyang sinundan ang tao ng Diyos at natagpuan niyang nakaupo sa ilalim ng isang puno ng ensina, at sinabi niya sa kanya, "Ikaw ba ang tao ng Diyos na nanggaling sa Juda?" At sinabi niya, "Ako nga." Nang magkagayo'y sinabi niya sa kanya, "Umuwi kang kasama ko, at kumain ka ng tinapay." At sinabi niya, "Hindi ako makababalik na kasama mo, o makakapasok na kasama mo, ni makakakain man ng tinapay o makakainom man ng tubig na kasalo mo sa dakong ito. Sapagkat sinabi sa akin sa pamamagitan ng salita ng PANGINOON, Huwag kang kakain ng tinapay o iinom man ng tubig doon, o babalik man sa daan na iyong dinaanan." Sinabi niya sa kanya, "Ako man ay isang propetang gaya mo, at isang anghel ang nagsabi sa akin sa pamamagitan ng salita ng PANGINOON, Ibalik mo siya na kasama mo sa iyong bahay, upang siya'y makakain ng tinapay at makainom ng tubig.'" Ngunit siya'y nagsinungaling sa kanya. Kaya't siya ay bumalik na kasama niya, at kumain ng tinapay sa kanyang bahay at uminom ng tubig. Samantalang sila'y nakaupo sa hapag, ang salita ng PANGINOON ay dumating sa propeta na nagpabalik sa kanya. At siya'y sumigaw sa tao ng Diyos na nanggaling sa Juda, "Ganito ang sabi ng PANGINOON: Sapagkat ikaw ay sumuway sa salita ng PANGINOON, at hindi mo tinupad ang utos na iniutos ng PANGINOON mong Diyos sa iyo, kundi ikaw ay bumalik at kumain ng tinapay, at uminom ng tubig sa dakong kanyang sinabi sa iyo na, 'Huwag kang kumain ng tinapay, at huwag kang uminom ng tubig;' ang iyong bangkay ay hindi darating sa libingan ng iyong mga ninuno." Pagkatapos na makakain siya ng tinapay at makainom, inihanda niya ang asno para sa propeta na kanyang pinabalik. Habang siya'y papaalis, sinalubong siya ng isang leon sa daan at pinatay siya. Ang kanyang bangkay ay napahagis sa daan at ang asno ay nakatayo sa tabi nito; ang leon ay nakatayo rin sa tabi ng bangkay. May mga taong dumaan at nakita ang bangkay na nakahandusay sa daan at ang leon na nakatayo sa tabi ng bangkay. Sila'y humayo at isinalaysay iyon sa lunsod na tinitirhan ng matandang propeta. Nang marinig iyon ng propeta na nagpabalik sa kanya sa daan, sinabi niya: "Iyon ang tao ng Diyos na sumuway sa salita ng PANGINOON, kaya't ibinigay siya ng PANGINOON sa leon na lumapa at pumatay sa kanya ayon sa salitang sinabi ng PANGINOON sa kanya." Sinabi niya sa kanyang mga anak, "Ihanda ninyo para sa akin ang asno." At inihanda nila iyon. Siya'y pumaroon at natagpuan ang kanyang bangkay na nakahandusay sa daan, at ang leon at ang asno ay nakatayo sa tabi ng bangkay. Hindi kinain ng leon ang bangkay, o nilapa man ang asno. Kinuha ng propeta ang bangkay ng tao ng Diyos, ipinatong sa asno, at ibinalik sa bayan ng matandang propeta upang tangisan at ilibing. Inilagay niya ang bangkay nito sa kanyang sariling libingan at kanilang tinangisan siya na sinasabi, "Ay, kapatid ko!" Pagkatapos na kanyang mailibing siya, sinabi niya sa kanyang mga anak, "Kapag ako'y namatay, ilibing ninyo ako sa puntod na pinaglibingan sa tao ng Diyos. Ilagay ninyo ang aking mga buto sa tabi ng kanyang mga buto. Sapagkat ang salita na kanyang isinigaw sa pamamagitan ng salita ng PANGINOON laban sa dambana sa Bethel at laban sa mga bahay sa mga mataas na dako na nasa mga bayan ng Samaria ay tiyak na mangyayari." Pagkatapos ng bagay na ito, si Jeroboam ay hindi tumalikod sa kanyang masamang pamamaraan, bagkus ay muling humirang ng mga pari mula sa taong-bayan para sa matataas na dako; sinumang may ibig ay kanyang itinatalaga upang maging mga pari sa matataas na dako. Ang bagay na ito ay naging kasalanan sa sambahayan ni Jeroboam na sanhi ng kanilang pagkahiwalay at pagkapuksa mula sa ibabaw ng lupa. Nang panahong iyon si Abias na anak ni Jeroboam ay nagkasakit. Sinabi ni Jeroboam sa kanyang asawa, "Bumangon ka at magbalat-kayo upang huwag kang makilala na asawa ni Jeroboam, at pumunta ka sa Shilo. Naroon si Ahias na propeta na nagsalita tungkol sa akin na ako'y magiging hari sa bayang ito. Magdala ka ng sampung malalaking tinapay, mga munting tinapay, isang bangang pulot, at pumaroon ka sa kanya. Kanyang sasabihin sa iyo kung ano ang mangyayari sa bata." Gayon nga ang ginawa ng asawa ni Jeroboam; tumindig siya at pumunta sa Shilo, at dumating sa bahay ni Ahias. Si Ahias noon ay hindi na nakakakita sapagkat ang kanyang mga mata'y malabo na dahil sa kanyang katandaan. At sinabi ng PANGINOON kay Ahias, "Ang asawa ni Jeroboam ay darating upang magtanong sa iyo tungkol sa kanyang anak; sapagkat siya'y maysakit. Ganito't gayon ang iyong sasabihin sa kanya." Sapagkat mangyayari na nang siya'y dumating siya'y nagkukunwari na ibang babae. Nang marinig ni Ahias ang ingay ng kanyang mga paa, pagpasok niya sa pintuan ay sinabi niya, "Pumasok ka, asawa ni Jeroboam. Bakit ka nagkukunwaring iba? Sapagkat ako'y pinagbilinan ng mabibigat na balita para sa iyo. Humayo ka at sabihin mo kay Jeroboam, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng Israel: Sapagkat itinaas kita sa gitna ng bayan, at ginawa kitang pinuno sa aking bayang Israel, at inagaw ko ang kaharian mula sa sambahayan ni David at ibinigay sa iyo; gayunma'y hindi ka naging gaya ng lingkod kong si David, na sumunod sa aking mga utos, at sumunod sa akin ng kanyang buong puso, na ginagawa lamang ang matuwid sa aking mga paningin. Ngunit ikaw ay gumawa ng kasamaang higit kaysa lahat ng nauna sa iyo. Ikaw ay humayo at gumawa para sa sarili mo ng mga ibang diyos, at mga larawang hinulma, upang galitin at inihagis mo ako sa iyong likuran. Kaya't ako'y magdadala ng kasamaan sa sambahayan ni Jeroboam. Aking ititiwalag kay Jeroboam ang bawat lalaki, bilanggo at malaya sa Israel, at aking lubos na lilipulin ang sambahayan ni Jeroboam, kung paanong sinusunog ng isang tao ang dumi, hanggang sa ito'y maubos. Sinumang kamag-anak ni Jeroboam na mamatay sa loob ng bayan ay kakainin ng mga aso; at sinumang mamatay sa kaparangan ay kakainin ng mga ibon sa himpapawid, sapagkat ito ang sinabi ng PANGINOON.' Kaya't humanda ka, umuwi ka sa iyong bahay. Pagpasok ng iyong mga paa sa lunsod, mamamatay ang bata. Tatangisan siya ng buong Israel, at ililibing siya; sapagkat siya lamang mula kay Jeroboam ang darating sa libingan. Sapagkat siya'y kinatagpuan sa sambahayan ni Jeroboam ng bagay na mabuti sa PANGINOON, sa Diyos ng Israel. Bukod dito'y ang PANGINOON ay magtitindig para sa kanyang sarili ng isang hari sa Israel, na siyang wawasak sa sambahayan ni Jeroboam ngayon. At mula ngayon, "parurusahan ng PANGINOON ang Israel, gaya ng isang tambo na iwinawasiwas sa tubig. Kanyang bubunutin ang Israel mula rito sa mabuting lupa na ibinigay niya sa kanilang mga magulang, at ikakalat sila sa kabila ng Eufrates; sapagkat kanilang ginawa ang kanilang mga Ashera at ginalit ang PANGINOON. At kanyang pababayaan ang Israel dahil sa mga kasalanan ni Jeroboam na kanyang ipinagkasala at naging sanhi ng pagkakasala ng Israel." Pagkatapos ay tumindig ang asawa ni Jeroboam at umalis at dumating sa Tirsa. Pagdaring niya sa pintuan ng bahay, ang bata ay namatay. Inilibing at tinangisan siya ng buong Israel, ayon sa salita ng PANGINOON na kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Ahias na propeta. Ngayon, ang iba pa sa mga gawa ni Jeroboam, kung paanong siya'y nakipagdigma, at kung paanong siya'y naghari, ay nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel. Ang mga araw na naghari si Jeroboam ay dalawampu't dalawang taon. Siya'y natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at si Nadab na kanyang anak ay naghari na kapalit niya. Si Rehoboam na anak ni Solomon ay naghari sa Juda. Si Rehoboam ay apatnapu't isang taon nang siya'y magsimulang maghari, at siya'y naghari ng labimpitong taon sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ng PANGINOON mula sa lahat ng mga lipi ng Israel, upang ilagay ang kanyang pangalan doon. Ang kanyang ina ay si Naama na Ammonita. Gumawa ang Juda ng kasamaan sa paningin ng PANGINOON, at kanilang ibinunsod siya sa paninibugho sa pamamagitan ng mga kasalanan na kanilang ginawa, na higit kaysa lahat ng ginawa ng kanilang mga magulang. Sapagkat sila'y nagtayo rin para sa kanila ng matataas na dako, ng mga haligi, at mga Ashera sa bawat mataas na burol at sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy. Nagkaroon din ng mga sodomitang ang lupain. Sila'y gumawa ng ayon sa lahat ng kasuklamsuklam ng mga bansa na pinalayas ng PANGINOON sa harap ng mga anak ni Israel. Nang ikalimang taon ni Haring Rehoboam, si Shishac na hari ng Ehipto ay umahon laban sa Jerusalem. Kanyang tinangay ang mga kayamanan ng bahay ng PANGINOON, at ang mga kayamanan ng bahay ng hari; ang mga iyon ay kanyang tinangay na lahat. Tinangay rin niya ang lahat ng kalasag na ginto na ginawa ni Solomon. Si Haring Rehoboam ay gumawa ng mga kalasag na tanso na kahalili ng mga iyon, at ipinagkatiwala sa mga kamay ng mga pinuno ng bantay na nag-iingat ng pintuan ng bahay ng hari. Tuwing pumapasok ang hari sa bahay ng PANGINOON, dinadala ang mga iyon ng bantay, at ibinabalik sa silid ng mga bantay. Ngayon ang iba pa sa mga gawa ni Rehoboam at ang lahat ng bagay na kanyang ginawa, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga hari ng Juda? At nagkaroon ng patuloy na paglalaban sina Rehoboam at Jeroboam. At si Rehoboam ay natulog at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno, sa lunsod ni David. Ang kanyang ina ay si Naama na Ammonita. At si Abiam na kanyang anak ay naghari na kapalit niya. Nang ikalabingwalong taon ng paghahari ni Haring Jeroboam, na anak ni Nebat, nagsimulang maghari si Abiam sa Juda. Tatlong taon siyang naghari sa Jerusalem, at ang pangalan ng kanyang ina ay Maaca na anak ni Abisalom. At siya'y lumakad sa lahat ng mga kasalanan ng kanyang ama na ginawa nito na una sa kanya; at ang kanyang puso ay hindi ganap na tapat sa PANGINOON niyang Diyos, gaya ng puso ni David na kanyang ama. Gayunma'y alang-alang kay David ay binigyan siya ng PANGINOON niyang Diyos ng isang ilawan sa Jerusalem, inilagay ang kanyang anak pagkamatay niya at pinatatag ang Jerusalem; sapagkat. ginawa ni David ang matuwid sa mga mata ng PANGINOON, at hindi lumihis sa anumang bagay na iniutos niya sa kanya sa lahat ng araw ng kanyang buhay, maliban lamang ang tungkol kay Urias na Heteo. Ang digmaan sa pagitan nina Rehoboam at Jeroboam ay nagpatuloy sa lahat ng araw ng kanyang buhay. Ang iba pa sa mga gawa ni Abiam, at ang lahat niyang ginawa, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga hari ng Juda? At nagkaroon ng digmaan sina Abiam at Jeroboam. At si Abiam ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno at kanilang inilibing siya sa lunsod ni David. Si Asa na kanyang anak ay naghari na kapalit niya. Nang ikadalawampung taon ni Jeroboam na hari ng Israel, nagsimula si Asa na maghari sa Juda. Apatnapu't isang taon siyang naghari sa Jerusalem; at ang pangalan ng kanyang ina ay Maaca, na anak ni Abisalom. At ginawa ni Asa ang matuwid sa mga mata ng PANGINOON, gaya ng ginawa ni David na kanyang ama. Kanyang inalis ang mga sodomita sa lupain, at inalis ang lahat ng diyus-diyosan na ginawa ng kanyang mga ninuno. Si Maaca na kanyang ina ay inalis rin niya sa pagkareyna, sapagkat siya'y gumawa ng karumaldumal na larawan para kay Ashera; at pinutol ni Asa ang kanyang larawan at sinunog sa batis Cedron. Ngunit ang matataas na dako ay hindi inalis; gayunma'y ang puso ni Asa ay tapat sa PANGINOON sa lahat ng kanyang mga araw. Kanyang ipinasok sa bahay ng PANGINOON ang mga kusang-loob na kaloob ng kanyang ama, at ang kanyang sariling mga kaloob, pilak, ginto, at mga kagamitan. Nagkaroon ng digmaan sina Asa at Baasa na hari ng Israel sa lahat ng kanilang mga araw. At si Baasa na hari sa Israel ay umahon laban sa Juda, at itinayo ang Rama upang walang sinumang makalabas o makapunta kay Asa na hari ng Juda. Nang magkagayo'y kinuha ni Asa ang lahat ng pilak at ginto na naiwan sa mga kayamanan ng bahay ng PANGINOON, at ang mga kayamanan ng bahay ng hari, at ibinigay sa kamay ng kanyang mga lingkod. Ipinadala ang mga iyon ni Haring Asa kay Ben-hadad na anak ni Tabrimon, na anak ni Hezion, na hari ng Siria, na nakatira sa Damasco, na sinasabi, "Magkaroon nawa ng pagkakasundo ako at ikaw, rulad ng aking ama at ng iyong ama. Aking ipinadala sa iyo ang isang kaloob na pilak at ginto; humayo ka, sirain mo ang iyong pakikipagkasundo kay Baasa na hari ng Israel, upang siya'y lumayo sa akin." Pinakinggan ni Ben-hadad si Haring Asa, at sinugo ang mga puno ng kanyang mga hukbo laban sa mga lunsod ng Israel, at sinakop ang Ijon, Dan, Abel-betmaacah, at ang buong Cinerot, pati ang buong lupain ng Neftali. Nang mabalitaan iyon ni Baasa, kanyang itinigil ang pagtatayo ng Rama at siya'y nanirahan sa Tirsa. Pagkatapos ay nagpahayag si Haring Asa sa buong Juda, walang itinangi, at kanilang inalis ang mga bato at mga kahoy ng Rama, na ginagamit ni Baasa sa pagtatayo, at itinayo ni Haring Asa sa pamamagitan niyon ang Geba ng Benjamin at ang Mizpa. Ang iba pa sa lahat ng mga gawa ni Asa, ang kanyang buong kapangyarihan, at ang lahat niyang ginawa, at ang mga lunsod na kanyang itinayo, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga hari ng Juda? Ngunit sa panahon ng kanyang katandaan, nagkaroon ng karamdaman ang kanyang mga paa. At si Asa ay natulog at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David na kanyang ama. Si Jehoshafat na kanyang anak ay naghari na kapalit niya. Si Nadab na anak ni Jeroboam ay nagsimulang maghari sa Israel sa ikalawang taon ni Asa na hari ng Juda, at siya'y naghari sa Israel ng dalawang taon. Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng PANGINOON, at lumakad sa landas ng kanyang ama, at sa kanyang kasalanan na sanhi ng pagkakasala ng Israel. Si Baasa na anak ni Ahia, sa sambahayan ni Isacar ay nakipagsabwatan laban sa kanya; at sinaktan siya ni Baasa sa Gibeton, na sakop ng mga Filisteo; sapagkat kinukubkob ni Nadab at ng buong Israel ang Gibeton. Nang ikatlong taon ni Asa na hari sa Juda ay pinatay si Nadab ni Baasa, at naghari na kapalit niya. Nang siya'y maging hari, pinagpapatay niya ang buong sambahayan ni Jeroboam. Wala siyang iniwan kay Jeroboam ni isa mang humihinga, hanggang sa kanyang malipol, ayon sa salita ng PANGINOON na kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Ahias na Shilonita. Ito ay dahil sa mga kasalanan ni Jeroboam na kanyang ginawa, at kanyang ibinunsod sa pagkakasala ang Israel at dahil sa kanyang panggagalit sa PANGINOON, ang Diyos ng Israel. Ang iba pa sa mga gawa ni Nadab, at ang lahat niyang ginawa, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga hari ng Israel? At nagkaroon ng digmaan sina Asa at Baasa na hari ng Israel sa lahat ng kanilang mga araw. Nang ikatlong taon ni Asa na hari ng Juda, nagsimulang maghari si Baasa na anak ni Ahia sa buong Israel sa Tirsa, at naghari ng dalawampu't apat na taon. Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng PANGINOON, at lumakad sa landas ni Jeroboam, at sa kanyang kasalanan na dahil dito'y nagkasala ang Israel. Ang salita ng panginoon ay dumating kay Jehu na anak ni Hanani, laban kay Baasa, na nagsasabi, "Yamang itinaas kita mula sa alabok, at ginawa kitang pinuno sa aking bayang Israel, at ikaw ay lumakad sa landas ni Jeroboam, at ikaw ang sanhi ng pagkakasala ng aking bayang Israel, upang ibunsod mo ako sa galit dahil sa kanilang mga kasalanan, aking lubos na lilipulin si Baasa at ang kanyang sambahayan, at gagawin ko ang iyong sambahayan na gaya ng sambahayan ni Jeroboam na anak ni Nebat. Ang sinumang kabilang kay Baasa na mamatay sa lunsod ay kakainin ng mga aso; at ang sinumang kabilang sa kanya na mamatay sa parang ay kakainin ng mga ibon sa himpapawid." Ang iba pa sa mga gawa ni Baasa, at ang kanyang ginawa, at ang kanyang kapangyarihan, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga hari ng Israel? At natulog si Baasa na kasama ng kanyang mga ninuno at inilibing sa Tirsa; at si Ela na kanyang anak ay naghari na kapalit niya. Bukod dito, sa pamamagitan ng propetang si Jehu na anak ni Hanani, ay dumating ang salita ng PANGINOON laban kay Baasa, at laban sa kanyang sambahayan, dahil sa lahat ng kasamaan na kanyang ginawa sa paningin ng PANGINOON, upang galitin siya sa pamamagitan ng gawa ng kanyang mga kamay, sa pagtulad sa sambahayan ni Jeroboam, at dahil din sa paglipol niya rito. Nang ikadalawampu't anim na taon ni Asa na hari ng Juda ay nagsimula si Ela na anak ni Baasa na maghari sa Israel sa Tirsa, at naghari siya ng dalawang taon. Ngunit ang kanyang lingkod na si Zimri na punong kawal sa kalahati ng kanyang mga karwahe ay nakipagsabwatan laban sa kanya. Nang siya'y nasa Tirsa na umiinom na nilalasing ang sarili sa bahay ni Arsa, na siyang katiwala sa sambahayan sa Tirsa, pumasok si Zimri, sinalakay siya at pinatay nang ikadalawampu't pitong taon ni Asa na hari ng Juda, at siya'y naghari na kapalit niya. Nang siya'y magsimulang maghari, pag-upong pag-upo niya sa kanyang trono, ay kanyang pinagpapatay ang buong sambahayan ni Baasa. Hindi siya nag-iwan ng isa man lamang lalaki sa kanyang kamag-anak o sa mga kaibigan. Sa gayo'y nilipol ni Zimri ang buong sambahayan ni Baasa, ayon sa salita ng PANGINOON, na kanyang sinabi laban kay Baasa, sa pamamagitan ni Jehu na propeta, dahil sa lahat ng mga kasalanan ni Baasa, at sa mga kasalanan ni Ela na kanyang anak, na kanilang ginawa, na sanhi ng pagkakasala ng Israel upang ibunsod sa galit ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan. Ang iba pa sa mga gawa ni Ela, at ang lahat na kanyang ginawa, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayant ng mga hari ng Israel? Nang ikadalawampu't pitong taon ni Asa na hari sa Juda, naghari si Zimri ng pitong araw sa Tirsa. Ang mga kawal ay nagkampo laban sa Gibeton na sakop ng mga Filisteo. At narinig ng mga kawal na nagkakampo na si Zimri ay nakipagsabwatan at kanyang pinatay ang hari; kaya't si Omri na punong kawal ng hukbo ay ginawang hari sa Israel nang araw na iyon sa kampo. Kaya't si Omri ay umahon mula sa Gibeton, at ang buong Israel ay kasama niya, at kanilang kinubkob ang Tirsa. Nang makita ni Zimri na ang lunsod ay nasakop na, siya'y pumunta sa kastilyo ng bahay ng hari, sinunog ng apoy ang bahay na kinaroroonan ng hari at siya'y namatay, dahil sa kanyang mga kasalanan na kanyang ginawa sa pamamagitan ng paggawa ng kasamaan sa paningin ng PANGINOON, sa paglakad sa landas ni Jeroboam, at sa kanyang kasalanan na kanyang ginawa, na naging sanhi ng pagkakasala ng Israel. Ang iba pa sa mga gawa ni Zimri, at ang pakikipagsabwatan na kanyang ginawa, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga hari ng Israel? Pagkatapos ang bayan ng Israel ay nahati sa dalawa: ang kalahati ng bayan ay sumunod kay Tibni na anak ni Ginat, upang gawin siyang hari; at ang kalahati ay sumunod kay Omri. Ngunit ang mga taong sumunod kay Omri ay nanaig laban sa mga taong sumunod kay Tibni na anak ni Ginat; sa gayo'y namatay si Tibni at naging hari si Omri. Nang ikatatlumpu't isang taon ni Asa na hari ng Juda, nagsimula si Omri na maghari sa Israel, at naghari ng labindalawang taon; anim na taong naghari siya sa Tirsa. At binili niya ang burol ng Samaria mula kay Semer sa halagang dalawang talentong pilak. Siya'y nagtayo ng kuta sa burol at tinawag ang pangalan ng lunsod na kanyang itinayo na Samaria, ayon sa pangalan ni Semer, na may-ari ng burol. Gumawa si Omri ng kasamaan sa paningin ng PANGINOON, at gumawa ng mas masama kaysa lahat ng nauna sa kanya. Sapagkat siya'y lumakad sa lahat ng landas ni Jeroboam na anak ni Nebat, at sa kanyang mga kasalanan na naging sanhi ng pagkakasala ng Israel upang ibunsod sa galit ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan. Ang iba pa sa mga gawa ni Omri na kanyang ginawa, at ang kapangyarihang kanyang ipinamalas, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga hari ng Israel? Natulog si Omri na kasama ng kanyang mga ninuno at inilibing sa Samaria. Si Ahab na kanyang anak ay naghari na kapalit niya. Nang ikatatlumpu't walong taon ni Asa na hari ng Juda, nagsimula si Ahab na anak ni Omri na maghari sa Israel. At si Ahab na anak ni Omri ay naghari sa Israel sa Samaria nang dalawampu't dalawang taon. Si Ahab na anak ni Omri ay gumawa ng kasamaan sa paningin ng PANGINOON nang higit kaysa lahat ng nauna sa kanya. Waring isang magaang bagay para sa kanya na lumakad sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, siya'y nag-asawa kay Jezebel, na anak ni Et-baal na hari ng mga Sidonio, at siya'y humayo at naglingkod kay Baal, at sumamba sa kanya. Kanyang ipinagtayo ng dambana si Baal sa bahay ni Baal, na kanyang itinayo sa Samaria. At gumawa si Ahab ng sagradong poste. Gumawa pa ng higit si Ahab upang galitin ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel, kaysa lahat ng mga hari ng Israel na nauna sa kanya. Sa kanyang mga araw, itinayo ni Hiel na taga-Bethel ang Jerico. Inilagay niya ang pundasyon niyon na ang katumbas ay buhay ni Abiram na kanyang panganay na anak. At itinayo niya ang mga pintuang-bayan niyon na ang katumbas ay ang buhay ng kanyang bunsong anak na si Segub, ayon sa salita ng PANGINOON na kanyang sinabi sa pamamagitan ni Josue na anak ni Nun. Si Elias na Tisbita, na nakikipamayan sa Gilead, ay nagsabi kay Ahab, "Habang nabubuhay ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel! Ako'y nakatayo sa harap niya, hindi magkakaroon ng hamog o ulan man sa mga taong ito, maliban sa pamamagitan ng aking salita." At ang salita ng PANGINOON ay dumating sa kanya, na sinasabi, "Umalis ka rito, lumiko ka patungong silangan, at magkubli ka sa tabi ng batis Cherit na nasa silangan ng Jordan. Ikaw ay iinom sa batis, at aking iniutos sa mga uwak na pakainin ka roon." Kaya't pumunta siya roon at ginawa ang ayon sa salita ng PANGINOON, siya'y pumaroon at nanirahan sa tabi ng batis Cherit na nasa silangan ng Jordan. Dinalhan siya ng mga uwak ng tinapay at karne sa umaga, at tinapay at karne sa hapon, at siya'y uminom sa batis. Pagkaraan ng ilang panahon, ang batis ay natuyo sapagkat walang ulan sa lupain. At ang salita ng PANGINOON ay dumating sa kanya, "Bumangon ka. Pumaroon ka sa Zarefta na sakop ng Sidon, at manirahan ka roon. Aking inutusan ang isang balong babae roon na pakainin ka." Kaya't bumangon siya at pumunta sa Zarefta. Nang siya'y dumating sa pintuan ng lunsod, naroon ang isang babaing balo na namumulot ng mga patpat. Kanyang tinawag siya, at sinabi, "Dalhan mo ako ng kaunting tubig sa isang sisidlan upang ako'y makainom." Nang siya'y pumunta na upang kumuha, kanyang tinawag siya, at sinabi, "Dalhan mo ako ng isang pirasong tinapay." At sinabi niya, "Kung paanong ang PANGINOON mong Diyos ay buhay, ako'y walang nalutong anuman, tanging isang dakot na harina sa tapayan, at kaunting langis sa banga. At ngayon, ako'y namumulot ng ilang patpat upang ako'y makauwi at ihanda iyon para sa akin at sa aking anak, upang aming makain iyon, bago kami mamatay." Sinabi ni Elias sa kanya,"Huwag kang matakot. Humayo ka, at gawin mo ang iyong sinabi, ngunit igawa mo muna ako ng munting tinapay. Pagkatapos ay dalhin mo rito sa akin, at saka ka gumawa para sa iyo at sa iyong anak. Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng Israel, Ang tapayan ng harina ay hindi magkukulang, o ang banga ng langis man ay mauubusan hanggang sa araw na magpaulan ang PANGINOON sa ibabaw ng lupa." Siya'y humayo, at ginawa ang ayon sa sinabi ni Elias. At ang babae, siya at ang sambahayan ng babae ay kumain nang maraming araw. Ang tapayan ng harina ay hindi nagkulang, o ang banga ng langis man ay naubusan, ayon sa salita ng PANGINOON na kanyang sinabi sa pamamagitan ni Elias. Pagkatapos ng mga bagay na ito, ang anak na lalaki ng babae, na may-ari ng bahay ay nagkasakit. Ang kanyang sakit ay napakalubha kaya't walang naiwang hininga. At sinabi niya kay Elias, "Anong mayroon ka laban sa akin, O ikaw na tao ng Diyos? Naparito ka sa akin upang ipaalala mo ang aking kasalanan, at upang patayin ang aking anak!" Sinabi ni Elias sa kanya, "Ibigay mo sa akin ang iyong anak." At kinuha niya sa kanyang kandungan, at dinala niya sa silid sa itaas na kanyang tinutuluyan, at inihiga sa kanyang sariling higaan. At siya'y nanangis sa PANGINOON, "O PANGINOON kong Diyos, dinalhan mo rin ba ng kapahamakan ang balo na aking tinutuluyan sa pamamagitan ng pagpatay sa kanyang anak?" Siya'y umunat sa bata ng tatlong ulit, at nanangis sa PANGINOON, "O PANGINOON kong Diyos, idinadalangin ko sa iyo, pabalikin mo sa batang ito ang kanyang buhay." Dininig ng PANGINOON ang tinig ni Elias; at ang buhay ng bata ay bumalik sa kanya, at siya'y muling nagkamalay. Kinuha ni Elias ang bata, ibinaba sa loob ng bahay mula sa silid sa itaas, at ibinigay siya sa kanyang ina; at sinabi ni Elias, "Tingnan mo, buhay ang iyong anak." At sinabi ng babae kay Elias, "Ngayo'y alam ko na ikaw ay isang tao ng Diyos, at ang salita ng PANGINOON sa iyong bibig ay katotohanan." Pagkaraan ng maraming araw, ang salita ng PANGINOON ay dumating kay Elias nang ikatlong taon, na nagsasabi, "Humayo ka. Magpakita ka kay Ahab at ako'y magpapaulan sa lupa." Kaya't si Elias ay humayo at nagpakita kay Ahab. Noon, ang taggutom ay malubha sa Samaria. Tinawag ni Ahab si Obadias na siyang katiwala sa bahay. (Si Obadias nga ay lubhang natatakot sa PANGINOON. Sapagkat nang itiwalag ni Jezebel ang mga propeta ng PANGINOON, kumuha si Obadias ng isandaang propeta, at ikinubli na lima-limampu sa isang yungib, at pinakain sila ng tinapay at tubig.) At sinabi ni Ahab kay Obadias, "Libutin mo ang lupain, hanggang sa lahat ng mga bukal ng tubig at mga libis. Marahil tayo'y makakatagpo ng damo, at maililigtas nating buhay ang mga kabayo at mga mola upang huwag tayong mawalan ng hayop." Kaya't pinaghatian nila ang lupain sa gitna nila upang lakarin. Si Ahab ay lumakad ng kanyang sarili sa isang daan, at si Obadias ay lumakad ng kanyang sarili sa kabilang daan. Samantalang si Obadias ay nasa daan, nakasalubong siya ni Elias. Kanyang nakilala siya, at nagpatirapa, at nagsabi, "Ikaw ba iyan, ang panginoon kong Elias?" Siya'y sumagot sa kanya, "Ako nga. Humayo ka. Sabibin mo sa iyong panginoon, narito si Elias." At kanyang sinabi, "Saan ako nagkasala at ibibigay mo ang iyong lingkod sa kamay ni Ahab upang ako'y patayin?" Habang buhay ang PANGINOON mong Diyos, walang bansa o kaharian man na roo'y hindi ka hinanap ng aking panginoon. Kapag kanilang sinasabi, 'Siya'y wala rito, kanyang pinasusumpa ang kaharian at bansa na hindi kinatatagpuan sa iyo. At ngayo'y iyong sinasabi, 'Humayo ka, sabihin mo sa iyong panginoon na narito si Elias.' Pagkaalis na pagkaalis ko sa iyo, dadalhin ka ng Espiritu ng PANGINOON sa hindi ko nalalaman; at kapag ako'y pumaroon at sabihin ko kay Ahab, at hindi ka niya natagpuan, papatayin niya ako, bagaman akong iyong lingkod ay may takot sa PANGINOON mula pa sa aking pagkabata. Hindi pa ba nasabi sa aking panginoon, kung ano ang aking ginawa nang patayin ni Jezebel ang mga propeta ng PANGINOON? Kung paanong itinago ko ang isandaan sa mga propeta ng PANGINOON, lima-limampu sa isang yungib, at pinakain ko sila ng tinapay at tubig? Ngayo'y iyong sinasabi, 'Humayo ka, sabihin mo sa iyong panginoon, "Narito si Elias"'; papatayin niya ako." At sinabi ni Elias, "Habang buhay ang PANGINOON ng mga hukbo, na sa harap niya'y nakatayo ako, ako'y tiyak na magpapakita sa kanya ngayon." Sa gayo'y humayo si Obadias upang salubungin si Ahab, at sinabi sa kanya. At si Ahab ay humayo upang salubungin si Elias. Nang makita ni Ahab si Elias, sinabi ni Ahab sa kanya, "Ikaw ba iyan, ikaw na nanggugulo sa Israel?" Siya'y sumagot, "Hindi ako ang nanggugulo sa Israel; kundi ikaw at ang sambahayan ng iyong ama, sapagkat inyong tinalikuran ang mga utos ng PANGINOON, at sumunod sa mga Baal. Ngayon nga'y magsugo ka, at tipunin mo sa akin ang buong Israel sa bundok Carmel, ang apatnaraan at limampung propeta ni Baal, at ang apatnaraang propeta ni Ashera na kumakain sa hapag ni Jezebel." Kaya't nagsugo si Ahab sa lahat ng mga anak ni Israel, at tinipon ang mga propeta sa bundok Carmel. Si Elias ay lumapit sa buong bayan, at nagsabi, "Hanggang kailan kayo magpapatalun-talon sa dalawang magkaibang kuru-kuro? Kung ang PANGINOON ay Diyos, sumunod kayo sa kanya, ngunit kung si Baal, sa kanya kayo sumunod." At ang bayan ay hindi sumagot sa kanya kahit isang salita. Nang magkagayo'y sinabi ni Elias sa bayan, "Ako at ako lamang ang naiwang propeta ng PANGINOON; ngunit ang mga propeta ni Baal ay apatnaraan at limampung lalaki. Bigyan ninyo kami ng dalawang baka; pumili sila para sa kanila ng isang baka, katayin, ilagay sa ibabaw ng kahoy, at huwag lagyan ng apoy sa ilalim. Ihahanda ko naman ang isang baka at ilalagay ko sa kahoy, at hindi ko ito lalagyan ng apoy. Tawagin ninyo ang pangalan ng inyong diyos, at tatawagin ko ang pangalan ng PANGINOON. Ang Diyos na sumagot sa pamamagitan ng apoy, ay siyang Diyos." At ang buong bayan ay sumagot, "Mabuti ang pagkasabi." Pagkatapos ay sinabi ni Elias sa mga propeta ni Baal, "Pumili kayo ng isang baka para sa inyo, at una ninyong ihanda sapagkat kayo'y marami. Tawagin ninyo ang pangalan ng inyong diyos, ngunit huwag ninyong lagyan ng apoy." Kanilang kinuha ang baka na ibinigay sa kanila, kanilang inihanda, at tumawag sa pangalan ni Baal mula umaga hanggang tanghaling tapat, na nagsasabi, "O Baal, dinggin mo kami." Ngunit walang tinig at walang sumasagot. At sila'y lumukso sa palibot ng kanilang ginawang dambana. Nang tanghaling tapat na, nilibak sila ni Elias, na sinasabi, "Sumigaw kayo nang malakas, sapagkat siya'y isang diyos; baka siya'y nagmumuni-muni, o nananabi, o nasa paglalakbay, o baka siya'y natutulog at kailangang gisingin." At sila'y nagsisigaw nang malakas, at sila'y naghiwa sa kanilang sarili ng tabak at mga patalim ayon sa kanilang kaugalian hanggang sa bumulwak ang dugo sa kanila. Nang makaraan ang tanghaling tapat, sila'y nagngangawa hanggang sa oras ng paghahandog ng alay sa hapon, ngunit wala kahit tinig, walang sumasagot, walang nakikinig. Pagkatapos ay sinabi ni Elias sa buong bayan, "Lumapit kayo sa akin." At ang buong bayan ay lumapit sa kanya. Kanyang inayos ang bumagsak na dambana ng PANGINOON. Kumuha si Elias ng labindalawang bato, ayon sa bilang ng mga lipi ng mga anak ni Jacob, na sa kanya ay dumating ang salita ng PANGINOON na sinasabi, "Israel ang magiging pangalan mo." Sa pamamagitan ng mga bato ay nagtayo siya ng dambana sa pangalan ng PANGINOON; at kanyang nilagyan ng hukay ang palibot ng dambana na ang lalim ay masisidlan ng dalawang takal na binhi. Kanyang iniayos ang kahoy, kinatay ang baka at ipinatong sa kahoy. At kanyang sinabi, "Punuin ninyo ang apat na tapayan ng tubig, at ibuhos ninyo sa handog na sinusunog at sa kahoy." Kanyang sinabi, "Gawin ninyo ng ikalawang ulit," at kanilang ginawa ng ikalawang ulit. At kanyang sinabi, "Gawin ninyo ng ikatlong ulit;" at kanilang ginawa ng ikatlong ulit. Ang tubig ay umagos sa palibot ng dambana at napuno ng tubig ang hukay. Sa oras ng paghahandog ng alay sa hapon, si Elias na propeta ay lumapit, at nagsabi, "O PANGINOON, Diyos ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel. Ipakilala mo sa araw na ito, na ikaw ay Diyos sa Israel, at ako ay iyong lingkod, at aking ginawa ang lahat ng bagay na ito sa iyong pag-uutos. Sagutin mo ako, O PANGINOON. Sagutin mo ako, upang malaman ng bayang ito na ikaw PANGINOON ay Diyos, at iyong pinanunumbalik ang kanilang mga puso." Nang magkagayo'y ang apoy ng PANGINOON ay bumagsak at tinupok ang handog na sinusunog, ang kahoy, mga bato, alabok, at dinilaan ang tubig na nasa hukay. Nang makita iyon ng buong bayan, sila'y nagpatirapa at kanilang sinabi, "Ang PANGINOON ang siyang Diyos; ang PANGINOON ang siyang Diyos." At sinabi ni Elias sa kanila, "Hulihin ninyo ang mga propeta ni Baal; huwag hayaang makatakas ang sinuman sa kanila." At kanilang dinakip sila; sila'y ibinaba ni Elias sa batis ng Kison at pinatay roon. Sinabi ni Elias kay Ahab, "Umahon ka, kumain ka at uminom sapagkat may hugong ng rumaragasang ulan." Kaya't umahon si Ahab upang kumain at uminom. Si Elias ay umakyat sa tuktok ng Carmel; siya'y yumukod sa lupa at inilagay ang kanyang mukha sa pagitan ng kanyang mga tuhod. Kanyang sinabi sa kanyang lingkod, "Umahon ka ngayon, tumingin ka sa dagat." At siya'y umahon at tumingin, at sinabi, "Wala akong nakikita." At kanyang sinabi, "Humayo ka ng pitong ulit." Sa ikapitong pagkakataon, ay kanyang sinabi, "Tingnan mo, may lumitaw na isang ulap mula sa dagat na kasinliit ng kamay ng isang lalaki." At kanyang sinabi, "Humayo ka. Sabihin mo kay Ahab, 'Ihanda mo ang iyong karwahe, at ikaw ay lumusong baka mapigil ka ng ulan." Pagkaraan ng ilang sandali, ang langit ay nagdilim sa ulap at hangin, at nagkaroon ng malakas na ulan. At si Ahab ay sumakay at pumunta sa Jezreel. Ngunit ang kamay ng PANGINOON ay na kay Elias. Kanyang binigkisan ang kanyang mga balakang at tumakbong nauuna kay Ahab sa pasukan ng Jezreel. Isinalaysay ni Ahab kay Jezebel ang lahat ng ginawa ni Elias, at kung paanong kanyang pinatay ng tabak ang lahat ng mga propeta. Nang magkagayo'y nagpadala si Jezebel ng sugo kay Elias na nagsasabi, "Gayundin ang gawin sa akin ng mga diyos, at higit pa, kung hindi ko gagawin ang buhay mo na gaya ng buhay ng isa sa kanila bukas sa mga ganitong oras." Kaya't siya'y natakot; bumangon siya at umalis upang iligtas ang kanyang buhay at dumating sa Beer-seba na sakop ng Juda, at iniwan ang kanyang lingkod doon. Ngunit siya'y naglakbay ng isang araw patungo sa ilang at dumating at umupo sa lilim ng isang punung-kahoy. Siya'y humiling na siya'y mamatay na sana, na nagsasabi, "Sapat na; ngayon, O PANGINOON, kunin mo ang aking buhay sapagkat hindi ako mas mabuti kaysa aking mga ninuno." Siya'y nahiga at natulog sa ilalim ng punungkahoy na enebro; kinalabit siya ng isang anghel, at sinabi sa kanya, "Bumangon ka at kumain." Siya'y tumingin, at nasa kanyang ulunan ang isang munting tinapay na niluto sa nagbabagang bato, at isang bangang tubig. Siya'y kumain, uminom at muling nahiga. Ang anghel ng PANGINOON ay nagbalik sa ikalawang pagkakataon, at kinalabit siya, at sinabi, "Bumangon ka at kumain; kung hindi, ang paglalakbay ay magiging napakahirap para sa iyo." Siya nga'y bumangon, kumain, uminom, at humayo na taglay ang lakas mula sa pagkaing iyon sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi hanggang sa Horeb na bundok ng Diyos. Siya'y pumasok doon sa isang yungib, at nanirahan roon. Ang salita ng PANGINOON ay dumating sa kanya, at sinabi niya sa kanya, "Anong ginagawa mo rito, Elias?" Sinabi niya, "Ako'y naging napakamanibughuin para sa PANGINOON, sa Diyos ng mga hukbo; sapagkat pinabayaan ng mga anak ni Israel ang iyong tipan, ibinagsak ang iyong mga dambana, at pinatay ng tabak ang iyong mga propeta. At ako, ako lamang, ang naiwan; at kanilang tinutugis ang aking buhay, upang patayin ito." Kanyang sinabi, "Humayo ka, at tumayo ka sa ibabaw ng bundok sa harap ng PANGINOON." At ang PANGINOON ay nagdaan at biniyak ang mga bundok ng isang malaki at malakas na hangin, at pinagputul-putol ang mga bato sa harap ng PANGINOON, ngunit ang PANGINOON ay wala sa hangin. At pagkatapos ng hangin ay isang lindol, ngunit ang PANGINOON ay wala sa lindol: Pagkatapos ng lindol ay apoy, ngunit ang PANGINOON ay wala sa apoy: at pagkatapos ng apoy ay isang banayad at munting tinig. Nang marinig iyon ni Elias, binalot niya ang kanyang mukha ng kanyang balabal, at lumabas, at tumayo sa pasukan ng yungib. Dumating ang isang tinig sa kanya, at nagsabi, "Anong ginagawa mo rito, Elias?" At kanyang sinabi, "Ako'y tunay na nanibugho para sa PANGINOON, sa Diyos ng mga hukbo; sapagkat pinabayaan ng mga anak ni Israel ang iyong tipan, ibinagsak ang iyong mga dambana, at pinatay ng tabak ang iyong mga propeta. At ako, ako lamang ang naiwan, at kanilang tinutugis ang buhay ko, upang patayin ito." Sinabi ng PANGINOON sa kanya, "Humayo ka, bumalik ka sa iyong dinaanan sa ilang ng Damasco. Pagdating mo, buhusan mo ng langis si Hazael upang maging hari sa Siria. Si Jehu na anak ni Nimsi ay iyong buhusan ng langis upang maging hari sa Israel; at si Eliseo na anak ni Shafat sa Abel-mehola ay iyong buhusan ng langis upang maging propeta na kapalit mo. Ang makakatakas sa tabak ni Hazael ay papatayin ni Jehu, at ang makatakas sa tabak ni Jehu ay papatayin ni Eliseo. Gayunma'y mag-iiwan ako ng pitong libo sa Israel, lahat ng tuhod na hindi pa lumuhod kay Baal, at bawat bibig na hindi pa humalik sa kanya." Kaya't umalis siya roon at natagpuan niya si Eliseo na anak ni Shafat na nag-aararo, na may labindalawang pares ng baka sa unahan niya, at siya'y kasabay ng ikalabindalawa. Dinaanan siya ni Elias at inihagis sa kanya ang kanyang balabal. Kanyang iniwan ang mga baka, patakbong sumunod kay Elias, at sinabi, "Hayaan mong hagkan ko ang aking ama at aking ina, pagkatapos ay susunod ako sa iyo." At sinabi niya sa kanya, "Bumalik ka uli, sapagkat ano bang ginawa ko sa iyo?" At siya'y bumalik mula sa pagsunod sa kanya, at kinuha ang mga pares ng baka. Kanyang kinatay ang mga iyon at inilaga ang laman sa pamamagitan ng mga pamatok ng mga baka. Ibinigay niya iyon sa taong-bayan at kanilang kinain. Pagkatapos, tumindig siya at sumunod kay Elias, at naglingkod sa kanya. Tinipon ni Ben-hadad na hari ng Siria ang buong hukbo niya. May tatlumpu't dalawang hari na kasama siya, mga kabayo, at mga karwahe. Siya'y umahon at kinubkob ang Samaria, at nilabanan iyon. At siya'y nagpadala ng mga sugo kay Ahab na hari ng Israel, sa loob ng lunsod, at sinabi niya sa kanya, "Ganito ang sabi ni Ben-hadad, Ang iyong pilak at ginto ay akin, pati ang iyong pinakamagagandang asawa at mga anak ay akin." Ang hari ng Israel ay sumagot, at nagsabi, "Ayon sa iyong sinasabi panginoon ko, O hari; ako'y iyo at lahat ng aking ari-arian." Ang mga sugo ay muling dumating, at nagsabi, "Ganito ang sinabi ni Ben-hadad, Ako'y nagsugo sa iyo, na nagpapasabi, 'Ibigay mo sa akin ang iyong pilak, at ang iyong ginto, ang iyong mga asawa at mga anak', gayunma'y susuguin ko sa iyo bukas ang aking mga lingkod sa mga ganitong oras. Kanilang hahalughugin ang iyong bahay, at ang mga bahay ng iyong mga lingkod, at anumang magustuhan nila ay hahawakan nila ng kanilang kamay, at iyon ay kukunin." Nang magkagayo'y tinawag ng hari ng Israel ang lahat ng matatanda sa lupain, at sinabi, "Inyong tandaan at tingnan kung paanong ang taong ito'y humahanap ng gulo, sapagkat kanyang ipinakukuha ang aking mga asawa, mga anak, mga pilak, at mga ginto; at hindi ako tumanggi sa kanya." At sinabi sa kanya ng lahat ng matatanda at ng buong bayan, "Huwag mong pansinin, o payagan man." Kaya't kanyang sinabi sa mga sugo ni Ben-hadad, "Sabihin ninyo sa aking panginoong hari, Ang lahat ng iyong ipinasugo sa iyong lingkod nang una ay aking gagawin. Ngunit ang bagay na ito ay hindi ko magagawa." At ang mga sugo ay umalis at muling nag-ulat sa kanya." Si Ben-hadad ay nagsugo sa kanya, at nagsabi, "Gawin ang ga-yon ng mga diyos sa akin, at higit pa kung ang alabok sa Samaria ay magiging sapat na dakutin ng lahat ng taong sumusunod sa akin." At ang hari ng Israel ay sumagot, at nagsabi, "Sabihin ninyo sa kanya na hindi dapat maghambog ang nagbibigkis ng sandata na parang siya ang naghuhubad nito." Nang marinig ni Ben-hadad ang pasugong ito, habang siya'y umiinom sa tolda kasama ang mga hari, sinabi niya sa kanyang mga lingkod, "Humanda kayo sa pagsalakay." At sila'y naghanda sa pagsalakay sa lunsod. Ang isang propeta ay lumapit kay Ahab na hari ng Israel, at nagsabi, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, Nakita mo ba ang karamihang ito? Tingnan mo, aking ibibigay sila sa iyong kamay sa araw na ito at iyong makikilala na ako ang PANGINOON." Sinabi ni Ahab, "Sa pamamagitan nino?" At kanyang sinabi, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, Sa pamamagitan ng mga kabataang tauhan ng mga pinuno sa mga lalawigan." Nang magkagayo'y sinabi niya, "Sino ang magsisimula ng labanan?" At siya'y sumagot, "Ikaw." Nang magkagayo'y kanyang pinaghanda ang mga kabataang tauhan ng mga pinuno sa mga lalawigan, at sila'y dalawangdaan at tatlumpu't dalawa. Pagkatapos ay kanyang tinipon ang buong bayan, ang lahat ng mga anak ni Israel na may pitong libong katao. Sila'y umalis nang katanghaliang-tapat, habang si Ben-hadad ay umiinom na nilalasing ang sarili sa loob ng mga tolda at ang tatlumpu't dalawang haring tumulong sa kanya. At ang mga tauhan ng mga pinuno sa mga lalawigan ay naunang lumabas. Si Ben-hadad ay nagsugo ng mga kawal at isinalaysay nila sa kanya, "May mga taong lumalabas mula sa Samaria." Kanyang sinabi, "Kung sila'y lumalabas para sa kapayapaan, hulihin ninyo silang buhay; o kung sila'y lumalabas para sa pakikidigma, hulihin ninyong buhay." Sa gayo'y ang mga ito ay lumabas sa lunsod, ang mga kabataan ng mga pinuno sa mga lalawigan, at ang hukbong sumusunod sa kanila. Pinatay ng bawat isa ang kanya-kanyang kalabang lalaki, at ang mga taga-Siria ay nagsitakas, at hinabol sila ng Israel. Ngunit si Ben-hadad na hari ng Siria ay tumakas na sakay ng isang kabayo na kasama ng mga mangangabayo. Ang hari ng Israel ay lumabas, binihag ang mga kabayo at mga karwahe, at pinatay ang mga taga-Siria ng maramihang pagpatay. Pagkatapos ang propeta ay lumapit sa hari ng Israel, at nagsabi sa kanya, "Halika, magpakalakas ka at tandaan mong mabuti kung ano ang iyong gagawin, sapagkat sa panahon ng tagsibol ay aahon ang hari ng Siria laban sa iyo." Sinabi ng mga lingkod ng hari sa Siria sa kanya, "Ang kanilang diyos ay diyos ng mga burol, kaya't sila'y mas malakas sa atin. Ngunit labanan natin sila sa kapatagan, at tiyak na tayo'y magiging mas malakas kaysa kanila. Ito ang gawin mo: alisin mo ang mga hari sa kani-kanilang puwesto, at maglagay ka ng mga punong kawal na kapalit nila. Magtipon ka para sa iyo ng isang hukbo na gaya ng hukbong nawala sa iyo, kabayo laban sa kabayo, at karwahe laban sa karwahe. Lalabanan natin sila sa kapatagan, at tiyak na tayo'y magiging mas malakas kaysa kanila." Kanyang pinakinggan ang kanilang tinig at gayon nga ang ginawa. Sa panahon ng tagsibol, tinipon ni Ben-hadad ang mga Arameo at umahon sa Afec upang labanan ang Israel. At ang mga anak ng Israel ay nagtipon din, binigyan ng mga baon, at humayo laban sa kanila. Ang mga anak ng Israel ay humimpil sa harapan nila na parang dalawang munting kawan ng mga kambing, ngunit kinalatan ng mga taga-Siria ang lupain. May isang tao ng Diyos na lumapit at sinabi sa hari ng Israel, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, Sapagkat sinabi ng mga taga-Siria: 'Ang PANGINOON ay diyos ng mga burol, ngunit hindi siya diyos ng mga libis,' kaya't aking ibibigay ang napakaraming ito sa iyong kamay, at inyong malalaman na ako ang PANGINOON." Sila'y nagkampo na magkatapat sa loob ng pitong araw. Nang ikapitong araw, nagpasimula ang labanan at ang mga anak ni Israel ay nakapatay sa mga taga-Siria ng isandaang libong lakad na kawal sa isang araw. Ang mga nalabi ay tumakas patungo sa lunsod ng Afec, at ang pader ay nabuwal sa dalawampu't pitong libong lalaki na nalabi. Si Ben-hadad ay tumakas din at pumasok sa lunsod, sa isang silid na pinakaloob. Sinabi ng kanyang mga lingkod sa kanya, "Aming narinig na ang mga hari sa sambahayan ng Israel ay mga maawaing hari. Isinasamo namin sa iyo na kami ay hayaan mong maglagay ng mga bigkis na sako sa aming mga balakang, at mga lubid sa aming mga leeg at pupuntahan namin ang hari ng Israel; marahil ay kanyang ililigtas ang iyong buhay." Kaya't sila'y naglagay ng bigkis na sako sa kanilang mga balakang, at ng mga lubid sa kanilang mga leeg. Pumunta sila sa hari ng Israel, at nagsabi, "Sinasabi ng iyong lingkod na si Ben-hadad, 'Hinihiling ko sa iyo, hayaan mo akong mabuhay.'" At sinabi niya, "Siya ba'y buhay pa? Siya'y aking kapatid." Naghihintay noon ang mga lalaki ng tanda at madali nilang nakuha ang kanyang iniisip at kanilang sinabi, "Oo, ang iyong kapatid na si Benhadad." Nang magkagayo'y sinabi niya, "Humayo kayo at dalhin ninyo siya sa akin." Nang magkagayo'y nagpakita sa kanya si Ben-hadad at kanyang pinaakyat sa karwahe. Sinabi ni Ben-hadad sa kanya, 'Ang mga lunsod na kinuha ng aking ama sa iyong ama ay aking isasauli; at maaari kang magtayo ng mga kalakalan para sa iyong sarili sa Damasco, gaya ng ginawa ng aking ama sa Samaria." At sinabi ni Ahab, "Hahayaan kitang umalis ayon sa mga kasunduang ito." Sa gayo'y nakipagtipan siya sa kanya, at pinahayo siya. May isang lalaki sa mga anak ng mga propeta ang nagsabi sa kanyang kasama sa pamamagitan ng salita ng PANGINOON, "Hinihiling ko sa iyo, saktan mo ako." Ngunit ang lalaki ay tumangging saktan siya. Nang magkagayo'y sinabi niya sa kanya, "Sapagkat hindi mo sinunod ang tinig ng PANGINOON, pagkalayo mo sa akin ay papatayin ka ng isang leon." Paglayo niya sa kanya, nakasalubong siya ng isang leon at pinatay siya. Pagkatapos ay nakatagpo siya ng isa pang lalaki, at nagsabi, "Hinihiling ko sa iyo, saktan mo ako." Sinaktan siya ng lalaki, tinaga at sinugatan siya. Sa gayo'y umalis ang propeta at hinintay ang hari sa daan, at nagkunwari na may benda sa kanyang mga mata. Habang dumaraan ang hari, sumigaw siya sa hari, na sinasabi, "Ang iyong lingkod ay nasa gitna ng pakikipaglaban at may isang kawal na lumapit sa akin, dala ang isang lalaki, at nagsabi, 'Ingatan mo ang lalaking ito. Kung sa anumang paraan ay makatakas siya, ang iyong buhay ang ipapalit sa kanyang buhay, o magbabayad ka ng isang talentong pilak.' Habang ang iyong lingkod ay abala rito at doon, siya'y nakaalis." At sinabi ng hari ng Israel sa kanya, "Magiging ganyan ang hatol sa iyo. Ikaw na rin ang nagpasiya." Pagkatapos, siya'y nagmadali, inalis ang benda sa kanyang mga mata, at nakilala siya ng hari ng Israel na siya'y isa sa mga propeta. At sinabi niya sa kanya, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, 'Sapagkat iyong pinabayaang makatakas sa iyong kamay ang lalaki na aking itinalaga sa kamatayan, ang iyo ngang buhay ay papanaw na kapalit ng kanyang buhay, at ang iyong bayan para sa kanyang bayan.'" Kaya't ang hari ng Israel ay umuwi sa kanyang bahay na masama ang loob at malungkot, at pumunta sa Samaria. Pagkatapos ay naganap ang sumusunod na mga pangyayari: Si Nabat na Jezreelita ay mayroong isang ubasan sa Jezreel na malapit sa bahay ni Ahab na hari sa Samaria. Sinabi ni Ahab kay Nabat, "Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan, upang mapasaakin bilang taniman ng gulay, sapagkat malapit iyon sa aking bahay. Aking papalitan iyon ng mas mainam na ubasan kaysa roon, o kung inaakala mong mabuti, aking ibibigay sa iyo ang halaga niyon sa salapi." Ngunit sinabi ni Nabat kay Ahab, "Huwag ipahintulot ng PANGINOON na aking ibigay sa iyo ang pamana ng aking mga ninuno." Pumasok si Ahab sa kanyang bahay na yamot at malungkot dahil sa sinabi ni Nabat na Jezreelita sa kanya, sapagkat kanyang sinabi, "Hindi ko ibibigay sa iyo ang pamana ng aking mga ninuno." Siya'y nahiga sa kanyang higaan, ipinihit ang kanyang mukha, at ayaw kumain ng pagkain. Ngunit si Jezebel na kanyang asawa ay pumaroon sa kanya, at nagsabi, "Bakit ang iyong diwa ay bagabag at ayaw mong kumain ng pagkain?" At sinabi niya sa kanya, "Sapagkat kinausap ko si Nabat na Jezreelita, at sinabi ko sa kanya, 'Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan sa halaga nitong salapi; o kung hindi, kung iyong minamabuti, papalitan ko sa iyo ng ibang ubasan.' Siya'y sumagot, 'Hindi ko ibibigay sa iyo ang aking ubasan.'" Sinabi ni Jezebel sa kanya, "Ikaw ba ngayon ang namamahala sa kaharian ng Israel? Bumangon ka, at kumain ng tinapay, at pasayahin mo ang iyong puso; ibibigay ko sa iyo ang ubasan ni Nabat na Jezreelita." Sa gayo'y sumulat siya ng mga liham sa pangalan ni Ahab, at tinatakan ng kanyang tatak. Ipinadala ang mga sulat sa matatanda at sa mga maharlika na naninirahang kasama ni Nabat sa kanyang lunsod. Kanyang isinulat sa mga liham, "Magpahayag kayo ng isang ayuno, at ilagay ninyo si Nabat na puno ng kapulungan, at maglagay kayo ng dalawang lalaking walanghiya sa harapan niya, at hayaang magsabi sila ng bintang laban sa kanya, na magsabi, 'Iyong isinumpa ang Diyos at ang hari.' Kaya't ilabas siya at batuhin upang siya'y mamatay." At ginawa ng mga kalalakihan sa kanyang lunsod, ng matatanda at ng mga maharlika na naninirahan sa kanyang lunsod, kung ano ang ipinag-utos ni Jezebel sa kanila, ayon sa nasusulat sa mga sulat na kanyang ipinadala sa kanila. Sila'y nagpahayag ng isang ayuno, at inilagay si Nabat sa unahan ng kapulungan. Ang dalawang lalaking walanghiya ay pumasok at umupo sa harapan niya. At isinakdal ng lalaking walanghiya si Nabat sa harapan ng taong-bayan, na nagsasabi, "Isinumpa ni Nabat ang Diyos at ang hari." Nang magkagayo'y kanilang inilabas siya sa bayan, at binato nila hanggang sa siya'y namatay. Pagkatapos sila'y nagsugo kay Jezebel, na nagsasabi, "Si Nabat ay pinagbabato na. Patay na siya." Nang mabalitaan ni Jezebel na si Nabat ay pinagbabato at patay na, sinabi ni Jezebel kay Ahab, "Bumangon ka, angkinin mo ang ubasan ni Nabat na Jezreelita na kanyang ipinagkait na ibigay sa iyo sa halaga ng salapi. Sapagkat si Nabat ay hindi buhay, kundi patay." Nang mabalitaan ni Ahab na patay na si Nabat, bumangon si Ahab upang bumaba sa ubasan ni Nabat na Jezreelita, at angkinin ang ubasan. Ang salita ng PANGINOON ay dumating kay Elias na Tisbita, na nagsasabi, "Bumangon ka, lumusong ka upang salubungin si Ahab na hari ng Israel, na nasa Samaria. Siya'y nasa ubasan ni Nabat upang kamkamin ito. Iyong sabihin sa kanya, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON, "Pumatay ka ba at nangamkam din?"' At iyong sasabihin sa kanya, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON, "Sa dakong pinaghimuran ng mga aso ng dugo ni Nabat ay hihimurin ng mga aso ang iyong dugo."'" At sinabi ni Ahab kay Elias, "Natagpuan mo ba ako, O aking kaaway?" At sumagot siya, "Natagpuan kita, sapagkat iyong ipinagbili ang iyong sarili upang gumawa ng kasamaan sa paningin ng PANGINOON. Dadalhan kita ng kasamaan, at aking lubos na pupuksain ka at aking tatanggalin kay Ahab ang bawat anak na lalaki, nakabilanggo o malaya, sa Israel. Aking gagawin ang iyong sambahayan na gaya ng sambahayan ni Jeroboam na anak ni Nebat, at gaya ng sambahayan ni Baasa na anak ni Ahias, dahil sa ibinunsod mo ako sa galit, at ikaw ang naging sanhi ng pagkakasala ng Israel. Tungkol kay Jezebel ay nagsalita rin ang PANGINOON, na nagsabi, 'Lalapain ng mga aso si Jezebel sa loob ng hangganan ng Jezreel.' Ang sinumang kabilang kay Ahab na namatay sa loob ng lunsod ay kakainin ng mga aso; at ang sinumang kabilang sa kanya na namatay sa parang ay kakainin ng mga ibon sa himpapawid." (Walang gaya ni Ahab na nagbili ng kanyang sarili upang gumawa ng kasamaan sa paningin ng PANGINOON, na inudyukan ni Jezebel na kanyang asawa. Siya'y gumawa ng totoong karumaldumal sa pagsunod sa mga diyus-diyosan, tulad ng ginawa ng mga Amoreo, na pinalayas ng PANGINOON sa harap ng mga anak ni Israel.) Nang marinig ni Ahab ang mga salitang iyon, kanyang pinunit ang kanyang mga damit, nagsuot ng sako sa kanyang katawan, nag-ayuno, nahiga sa sako, at nagpalakad-lakad na namamanglaw. At ang salita ng PANGINOON ay dumating kay Elias na Tisbita, na sinasabi, "Nakita mo ba kung paanong si Ahab ay nagpakababa sa harap ko? Sapagkat siya'y nagpakababa sa harap ko, hindi ko dadalhin ang kapahamakan sa kanyang mga araw, kundi dadalhin ko ang kapahamakan sa kanyang sambahayan sa mga araw ng kanyang mga anak." Sa loob ng tatlong taon ang Siria at ang Israel ay nagpatuloy na walang digmaan. Ngunit nang ikatlong taon, lumusong si Jehoshafat na hari ng Juda sa hari ng Israel. Sinabi ng hari ng Israel sa kanyang mga lingkod, "Alam ba ninyo na ang Ramot-gilead ay atin, at tayo'y tumatahimik, at hindi natin ito inaagaw sa kamay ng hari ng Siria?" Sinabi niya kay Jehoshafat, "Sasama ka ba sa akin sa pakikipaglaban sa Ramot-gilead?" At sinabi ni Jehoshafat sa hari ng Israel, "Ako'y para sa iyo, ang aking bayan ay parang iyong bayan, ang aking mga kabayo ay parang iyong mga kabayo." Sinabi ni Jehoshafat sa hari ng Israel, "Sumangguni ka muna kung ano ang salita ng PANGINOON." Nang magkagayo'y tinipon ng hari ng Israel ang mga propeta, na may apatnaraang lalaki, at sinabi sa kanila, "Hahayo ba ako laban sa Ramot-gilead upang makipaglaban, o magpaparaya ako?" At sinabi nila, "Umahon ka sapagkat ibibigay iyon ng PANGINOON sa kamay ng hari." Ngunit sinabi ni Jehoshafat, "Wala ba ritong ibang propeta ng PANGINOON upang makasangguni tayo sa kanya?" At sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, "May isa pang lalaki na maaari nating sanggunian sa PANGINOON, si Micaya na anak ni Imla. Ngunit kinapopootan ko siya sapagkat hindi siya nagpapahayag ng mabuti tungkol sa akin, kundi kasamaan." At sinabi ni Jehoshafat, "Huwag magsalita ng ganyan ang hari." Nang magkagayo'y tumawag ang hari sa Israel ng isang punong kawal, at nagsabi, "Dalhin rito agad si Micaya na anak ni Imla." Noon ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda ay nakaupo sa kanilang mga trono na nakadamit hari, sa isang giikan sa pasukan ng pintuang-bayan ng Samaria. Lahat ng mga propeta ay nagsasalita ng propesiya sa harap nila. At si Zedekias na anak ni Canaana ay gumawa ng mga sungay na bakal, at nagsabi, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, Sa pamamagitan ng mga ito ay iyong itutulak ang mga taga-Siria hanggang sa sila'y malipol." Gayundin ang ipinahayag ng lahat ng propeta, na nagsasabi, "Umahon ka sa Ramot-gilead at magtagumpay ka, sapagkat ibibigay iyon ng PANGINOON sa kamay ng hari." Ang sugo na humayo upang tawagin si Micaya ay nagsalita sa kanya, "Ang lahat ng mga salita ng mga propeta ay kasiya-siya sa hari; hayaan mong ang iyong salita ay maging gaya ng isa sa kanila, at magsalita ka ng kasiya-siya." At sinabi ni Micaya, "Buhay ang PANGINOON, kung ano ang sabihin ng PANGINOON sa akin, iyon ang aking sasabihin." Nang siya'y dumating sa hari, sinabi ng hari sa kanya, "Micaya, hahayo ba kami sa Ramot-gilead upang makipaglaban, o magpipigil kami?" At kanyang isinagot sa kanya, "Humayo ka at magtagumpay; ibibigay iyon ng PANGINOON sa kamay ng hari." Ngunit sinabi ng hari sa kanya, "Ilang ulit kong ipag-uutos sa iyo na wala kang sasabihing anuman sa akin, kundi ang katotohanan sa pangalan ng PANGINOON?" At kanyang sinabi, "Nakita ko ang buong Israel na nakakalat sa mga bundok, na gaya ng mga tupa na walang pastol. At sinabi ng PANGINOON, 'Ang mga ito ay walang panginoon; hayaang umuwi nang payapa ang bawat lalaki sa kanyang bahay.'" Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, "Di ba sinabi ko sa iyo na siya'y hindi magpapahayag ng mabuti tungkol sa akin, kundi ng kasamaan?" At sinabi ni Micaya, "Kaya't iyong dinggin ang salita ng PANGINOON. Nakita ko ang PANGINOON na nakaupo sa kanyang trono, at ang buong hukbo ng langit na nakatayo sa tabi niya sa kanyang kanan at sa kanyang kaliwa." Sinabi ng PANGINOON, 'Sinong hihikayat kay Ahab upang siya'y umahon at mabuwal sa Ramot-gilead?' Ang isa'y nagsalita ng isang bagay at ang isa ay ibang bagay. Pagkatapos ay lumabas ang isang espiritu at tumayo sa harap ng PANGINOON, at nagsabi, 'Hihikayatin ko siya.' At sinabi ng PANGINOON sa kanya, 'Paano?' At kanyang sinabi, 'Ako'y lalabas at magiging sinungaling na espiritu sa bibig ng lahat ng kanyang mga propeta.' At kanyang sinabi, 'Iyong hihikayatin siya at magtatagumpay ka; humayo ka at gayon ang gawin mo. Kaya't ngayon ay tingnan mo, inilagay ng PANGINOON ang sinungaling na espiritu sa bibig ng lahat ng iyong mga propeta, at ang PANGINOON ay nagsalita ng kasamaan tungkol sa iyo." Pagkatapos ay lumapit si Zedekias na anak ni Canaana, sinampal si Micaya, at sinabi, "Paanong umalis ang Espiritu ng PANGINOON mula sa akin upang magsalita sa iyo?" Sinabi ni Micaya, "Makikita mo sa araw na iyon kapag ikaw ay pumasok sa pinakaloob na silid upang magkubli." At sinabi ng hari sa Israel, "Dakpin si Micaya, at ibalik kay Amon na tagapamahala ng lunsod, at kay Joas na anak ng hari; at inyong sabihin, 'Ganito ang sabi ng hari, "Ilagay ninyo ang taong ito sa bilangguan, at tustusan ninyo siya ng kaunting tinapay at tubig hanggang sa ako'y dumating na payapa." At sinabi ni Micaya, "Kung ikaw ay bumalik na payapa, ang PANGINOON ay hindi nagsalita sa pamamagitan ko." At kanyang sinabi, "Makinig kayo, mga mamamayan!" Kaya't ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda ay pumunta sa Ramot-gilead. Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, "Ako'y magbabalatkayo at pupunta sa labanan, ngunit ikaw ay magsuot ng iyong damit panghari." At ang hari ng Israel ay nagbalatkayo at pumunta sa labanan. Ang hari ng Siria ay nag-utos sa tatlumpu't dalawang punong kawal ng kanyang mga karwahe, "Huwag kayong makipaglaban kahit sa maliit o sa malaki man, liban lamang sa hari ng Israel." Nang makita ng mga punong kawal ng mga karwahe si Jehoshafat ay kanilang sinabi, "Tiyak na ito ang hari ng Israel." Kaya't sila'y bumalik upang makipaglaban sa kanya; at si Jehoshafat ay sumigaw. Nang makita ng mga punong kawal ng mga karwahe na hindi iyon ang hari ng Israel, sila'y tumigil sa pagtugis sa kanya. Subalit pinakawalan ng isang lalaki ang kanyang palaso sa pagbabaka-sakali, at tinamaan ang hari ng Israel sa pagitan ng dugtungan ng baluti sa dibdib. Kaya't kanyang sinabi sa nagpapatakbo ng kanyang karwahe, "Pumihit ka, at ilabas mo ako sa labanan, sapagkat ako'y sugatan." Uminit ang labanan nang araw na iyon, at ang hari ay napigil sa kanyang karwahe sa harap ng mga taga-Siria, at namatay sa kinahapunan. Ang dugo ay dumaloy mula sa sugat hanggang sa ilalim ng karwahe. Nang paglubog ng araw ay may isinigaw sa buong hukbo, "Bawat lalaki ay sa kanyang lunsod, at bawat lalaki ay sa kanyang lupain." Sa gayo'y namatay ang hari at dinala sa Samaria, at kanilang inilibing ang hari sa Samaria. At kanilang hinugasan ang karwahe sa tabi ng tangke ng Samaria; hinimod ng mga aso ang kanyang dugo at ang mga masasamang babae ay nagsipaligo roon, ayon sa salita ng PANGINOON na kanyang sinabi. Ang iba sa mga gawa ni Ahab, at ang lahat niyang ginawa, at ang bahay na garing na kanyang itinayo, at ang lahat ng lunsod na kanyang itinayo, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga hari sa Israel? Sa gayo'y natulog si Ahab na kasama ng kanyang mga ninuno; at si Ahazias na kanyang anak ay naghari na kapalit niya. Si Jehoshafat na anak ni Asa ay nagsimulang maghari sa Juda nang ikaapat na taon ni Ahab na hari ng Israel. Si Jehoshafat ay tatlumpu't limang taon nang magsimulang maghari; at siya'y naghari ng dalawampu't limang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Azuba na anak ni Silhi. Siya'y lumakad sa lahat ng landas ni Asa na kanyang ama. Hindi siya lumihis doon at kanyang ginawa ang matuwid sa mga mata ng PANGINOON, gayunma'y ang matataas na dako ay hindi niya inalis, at ang bayan ay nagpatuloy na naghahandog at nagsusunog ng insenso sa matataas na dako. Si Jehoshafat ay nakipagpayapaan din sa hari ng Israel. Ang iba sa mga gawa ni Jehoshafat, at ang kanyang kapangyarihan na kanyang ipinakita, at kung paanong siya'y nakipagdigma, di ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayany ng mga hari ng Juda? At ang mga nalabi sa mga sodomita na nanatili sa mga araw ng kanyang amang si Asa ay pinuksa niya sa lupain. Walang hari sa Edom; isang kinatawan ang hari. Si Jehoshafat ay gumawa ng mga sasakyang dagat sa Tarsis upang pumunta sa Ofir dahil sa ginto, ngunit hindi sila nakarating sapagkat ang mga sasakyan ay nasira sa Ezion-geber. Nang magkagayo'y sinabi ni Ahazias na anak ni Ahab kay Jehoshafat, "Hayaan mong sumama ang aking mga lingkod sa iyong mga lingkod sa mga barko." Ngunit ayaw ni Jehoshafat. At si Jehoshafat ay natulog at nalibing na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David na kanyang ama; at si Jehoram na kanyang anak ay naghari na kapalit niya. Si Ahazias na anak ni Ahab ay nagsimulang maghari sa Israel sa Samaria, nang ikalabimpitong taon ni Jehoshafat na hari ng Juda, at siya'y naghari ng dalawang taon sa Israel. Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng PANGINOON, at lumakad sa landas ng kanyang ama at ina, at sa landas ni Jeroboam na anak ni Nebat, na naging sanhi ng pagkakasala ng Israel. Siya'y naglingkod kay Baal at sumamba sa kanya, at ginalit niya ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang ama. Pagkamatay ni Ahab, ang Moab ay naghimagsik laban sa Israel. Si Ahazias ay nahulog sa salasala ng kanyang silid sa itaas sa Samaria, at nagkasakit. Kaya't siya'y nagpadala ng mga sugo, at sinabi sa kanila, "Humayo kayo, sumangguni kayo kay Baal-zebub, na diyos ng Ekron, kung ako'y gagaling sa sakit na ito." Ngunit sinabi ng anghel ng PANGINOON kay Elias na Tisbita, "Bumangon ka, umahon ka upang salubungin ang mga sugo ng hari ng Samaria, at sabihin mo sa kanila, 'Dahil ba sa walang Diyos sa Israel, kaya't kayo'y nagsisihayo upang sumangguni kay Baal-zebub na diyos ng Ekron?' Ngayon nga'y ganito ang sabi ng Panginoon, 'Ikaw ay hindi aalis sa higaan na iyong pinanggalingan, kundi tiyak na ikaw ay mamamatay." Kaya't si Elias ay pumaroon. Nang ang mga sugo ay nagsibalik sa hari, at sinabi niya sa kanila. "Bakit kayo'y nagsibalik?" At sinabi nila sa kanya, "May dumating na isang lalaki at sinalubong kami, at sinabi sa amin, 'Kayo'y bumalik sa haring nagsugo sa inyo, at sabihin ninyo sa kanya, Ganito ang sabi ng Panginoon, "Dahil ba sa walang Diyos sa Israel kaya't ikaw ay nagsusugo upang sumangguni kay Baal-zebub na diyos ng Ekron?" Kaya't hindi ka aalis sa higaan na iyong pinanggalingan, kundi tiyak na ikaw ay mamamatay.'" Sinabi niya sa kanila, "Ano ang anyo ng lalaking iyon na dumating at sumalubong sa inyo, at nagsabi sa inyo ng mga bagay na ito?" sila'y sumagot sa kanya, "Siya'y lalaking mabalahibo at may pamigkis na balat ng hayop sa kanyang mga balakang." At kanyang sinabi, "Iyon ay si Elias na Tisbita." Nang magkagayo'y nagsugo ang hari sa kanya ng isang kapitan ng limampu kasama ang limampung kawal niya. Umahon siya kay Elias na nakaupo sa tuktok ng burol, at sinabi sa kanya, "O tao ng Diyos, sinabi ng hari, 'Bumaba ka.'" Ngunit si Elias ay sumagot at sinabi sa kapitan, "Kung ako'y tao ng Diyos, hayaang bumaba ang apoy mula sa langit at tupukin ka at ang iyong limampu." At bumaba ang apoy mula sa langit at tinupok siya at ang limampung kawal niya. Muling nagsugo ang hari sa kanya ng isa pang kapitan ng limampu kasama ang limampung kawal niya. At siya'y sumagot at sinabi sa kanya, "O tao ng Diyos, ganito ang sabi ng hari, 'Bumaba ka agad!'" Subalit si Elias ay sumagot at sinabi sa kanila, "Kung ako'y tao ng Diyos, hayaang bumaba ang apoy mula sa langit at tupukin ka at ang iyong limampu." At ang apoy ng Diyos ay bumabang mula sa langit at tinupok siya at ang limampung kawal niya. At muling nagsugo ang hari ng kapitan ng ikatlong limampu kasama ng kanyang limampu. At ang ikatlong kapitan ng limampu ay umahon, at dumating at lumuhod sa harapan ni Elias, at nakiusap sa kanya, "O tao ng Diyos, ipinapakiusap ko sa iyo na ang aking buhay, at ang buhay ng limampung ito na iyong mga lingkod ay maging mahalaga nawa sa iyong paningin. Bumaba ang apoy mula sa langit, at tinupok ang dalawang unang kapitan ng limampu pati ang limampung kawal nila; ngunit ang aking buhay nawa'y maging mahalaga sa iyong paningin." At sinabi ng anghel ng PANGINOON kay Elias, "Bumaba kang kasama niya; huwag kang matakot sa kanya." At siya'y tumindig at bumabang kasama niya hanggang sa hari. At sinabi niya sa kanya, "Ganito ang sabi ng Panginoon, 'Sapagkat ikaw ay nagpadala ng mga sugo upang sumangguni kay Baal-zebub na diyos ng Ekron, dahil ba sa walang Diyos sa Israel na mapagsasanggunian ng kanyang salita? — kaya't hindi ka aalis sa higaan na iyong pinanggalingan, kundi tiyak na mamamatay ka.' " Kaya't namatay siya ayon sa salita ng PANGINOON na sinabi ni Elias. Si Jehoram ay nagharing kapalit niya, nang ikalawang taon ni Jehoram na anak ni Jehoshafat na hari ng Juda, sapagkat si Ahazias ay walang anak na lalaki. Ang iba sa mga gawa ni Ahazias na kanyang ginawa, hindi ba ang mga iyon ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga Hari ng Israel? Nang malapit nang iakyat ng PANGINOON si Elias sa langit sa pamamagitan ng isang ipu-ipo, sina Elias at Eliseo ay magkasamang umalis mula sa Gilgal. Sinabi ni Elias kay Eliseo, "Maghintay ka rito sapagkat sinugo ako ng PANGINOON hanggang sa Bethel." Ngunit sinabi ni Eliseo, "Habang buhay ang PANGINOON, at habang ikaw ay nabubuhay, hindi kita iiwan." Kaya't pumunta sila sa Bethel. Ang mga anak ng mga propeta na nasa Bethel ay lumapit kay Eliseo, at sinabi sa kanya, "Nalalaman mo ba na kukunin ngayon ng PANGINOON ang iyong panginoon mula sa iyo?" At kanyang sinabi, "Oo, nalalaman ko, manahimik kayo." Sinabi ni Elias sa kanya, "Eliseo, maghintay ka rito; sapagkat sinugo ako ng PANGINOON sa Jerico." Ngunit kanyang sinabi, "Habang buhay ang PANGINOON, at habang buhay ka, hindi kita iiwan." Kaya't sila'y dumating sa Jerico. Lumapit kay Eliseo ang mga anak ng mga propeta na nasa Jerico, at nagsipagsabi sa kanya, "Nalalaman mo ba na kukunin ngayon ng PANGINOON ang iyong panginoon mula sa iyo?" At siya'y sumagot, "Oo, nalalaman ko; manahimik kayo." At sinabi ni Elias sa kanya, "Maghintay ka rito; sapagkat sinugo ako ng PANGINOON sa Jordan." At kanyang sinabi, "Habang buhay ang PANGINOON, at habang buhay ka, hindi kita iiwan." Kaya't humayo silang dalawa. Limampu sa mga anak ng mga propeta ay humayo rin, at tumayo sa tapat nila sa di-kalayuan habang silang dalawa ay nakatayo sa tabi ng Jordan. At kinuha ni Elias ang kanyang balabal at tiniklop ito, at hinampas ang tubig, at nahawi ang tubig sa isang panig at sa kabila, hanggang sa ang dalawa ay makatawid sa tuyong lupa. Nang sila'y makatawid, sinabi ni Elias kay Eliseo, "Hingin mo kung ano ang gagawin ko sa iyo, bago ako kunin sa iyo." At sinabi ni Eliseo, "Hayaan mong mapasaakin ang dobleng bahagi ng iyong espiritu." Siya ay tumugon, "Ang hinihingi mo ay isang mahirap na bagay; gayunma'y kung makita mo ako habang ako'y kinukuha sa iyo, iyon ay ipagkakaloob sa iyo. Ngunit kung hindi mo ako makita, iyon ay hindi mangyayari." Samantalang sila'y naglalakad at nag-uusap, isang karwaheng apoy at mga kabayong apoy ang naghiwalay sa kanilang dalawa. At si Elias ay umakyat sa langit sa pamamagitan ng isang ipu-ipo. Iyon ay nakita ni Eliseo at siya'y sumigaw, "Ama ko, ama ko! Mga karwahe ng Israel at mga mangangabayo nito!" Ngunit siya'y hindi na niya nakita. Kaya't kanyang hinawakan ang kanyang sariling kasuotan, at pinunit sa dalawang piraso. Kinuha niya ang balabal ni Elias na nahulog sa kanya, at siya'y bumalik, at tumayo sa pampang ng Jordan. Kanyang kinuha ang balabal ni Elias na nahulog sa kanya, at hinampas ang tubig, na sinasabi, "Nasaan ang PANGINOON, ang Diyos ni Elias?" Nang kanyang mahampas ang tubig, ito ay nahawi sa isang panig at sa kabila, at si Eliseo ay tumawid. At nang makita siya sa may di-kalayuan ng mga anak ng mga propeta na nasa Jerico, ay kanilang sinabi, "Ang espiritu ni Elias ay na kay Eliseo." Sila'y lumapit upang salubungin siya at nagpatirapa sa lupa sa harapan niya. Kanilang sinabi sa kanya, "Tingnan mo, ang iyong mga lingkod ay may limampung malalakas na lalaki. Hayaan mo silang humayo, at hanapin ang inyong panginoon. Baka tinangay siya ng Espiritu ng PANGINOON at inihagis sa isang bundok, o sa isang libis." At kanyang sinabi, "Hindi, huwag mo silang susuguin." Subalit nang kanilang pilitin siya hanggang sa siya'y mapahiya, ay kanyang sinabi, "Suguin sila." Kaya't sila'y nagsugo ng limampung lalaki, at naghanap sila sa loob ng tatlong araw, ngunit hindi siya natagpuan. Nang sila'y bumalik sa kanya, samantalang siya'y naghihintay sa Jerico at kanyang sinabi sa kanila, "Di ba sinabi ko sa inyo, huwag kayong humayo?" At sinabi ng mga mamamayan sa lunsod kay Eliseo, "Tingnan mo, ang kinalalagyan ng lunsod na ito ay mabuti, gaya ng nakikita ng aking panginoon, ngunit ang tubig ay masama, at ang lupa ay walang bunga." Sinabi niya, "Dalhan ninyo ako ng isang bagong banga, at lagyan ninyo ng asin." At kanilang dinala sa kanya. At siya'y pumaroon sa bukal ng tubig at hinagisan niya ng asin, at sinabi, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, 'Ginawa kong mabuti ang tubig na ito; mula ngayo'y hindi na magkakaroon mula rito ng kamatayan o ng pagkalaglag.'" Sa gayo'y bumuti ang tubig hanggang sa araw na ito, ayon sa salita ni Eliseo na kanyang sinabi. Mula roo'y pumunta siya sa Bethel; at samantalang siya'y nasa daan, may mga kabataan na dumating mula sa bayan, na sinasabi, "Humayo ka, ikaw na kalbo! Humayo ka, ikaw na kalbo!" Nang siya'y lumingon at makita sila, kanyang sinumpa sila sa pangalan ng PANGINOON. May lumabas na dalawang osong babae mula sa gubat at nilapa ang apatnapu't dalawang kabataan sa kanila. Mula roo'y pumunta siya sa Bundok ng Carmel, at pagkatapos ay bumalik siya sa Samaria. Nang ikalabingwalong taon ni Jehoshafat na hari ng Juda, si Jehoram na anak ni Ahab ay naging hari sa Israel sa Samaria, at siya ay naghari sa loob ng labindalawang taon. Siya'y gumawa ng masama sa paningin ng PANGINOON; bagama't hindi gaya ng kanyang ama at ina, sapagkat kanyang inalis ang haligi ni Baal na ginawa ng kanyang ama. Gayunma'y kumapit siya sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dahil dito'y nagkasala ang Israel; hindi niya ito hiniwalayan. Si Mesha na hari ng Moab ay nagpapalahi ng mga tupa. Siya'y nagbubuwis sa hari ng Israel ng isandaang libong tupa, at ng balahibo ng isandaang libong kordero. Ngunit nang mamatay si Ahab, ang hari ng Moab ay naghimagsik laban sa hari ng Israel. Kaya't si Haring Jehoram ay lumabas sa Samaria nang panahong iyon, at tinipon ang buong Israel. Sa kanyang paghayo ay nagsugo siya kay Jehoshafat na hari ng Juda, na sinasabi, "Ang hari ng Moab ay naghimagsik laban sa akin. Sasama ka ba sa akin upang labanan ang Moab?" At kanyang sinabi, "Sasama ako; ako'y gaya mo, ang aking bayan ay parang iyong bayan, ang aking mga kabayo ay parang iyong mga kabayo." At kanyang sinabi, "Saan tayo dadaan?" At siya'y sumagot, "Sa daan ng ilang ng Edom." Kaya't humayo ang hari ng Israel kasama ang hari ng Juda, at ang hari ng Edom. Nang sila'y nakalibot ng pitong araw na paglalakbay, walang tubig para sa hukbo o para sa mga hayop na nagsisisunod sa kanila. At sinabi ng hari ng Israel, "Kahabag-habag tayo! Tinawag ng PANGINOON ang tatlong haring ito upang ibigay sa kamay ng Moab." Ngunit sinabi ni Jehoshafat, "Wala ba ritong propeta ng PANGINOON upang tayo'y makasangguni sa PANGINOON sa pamamagitan niya?" At isa sa mga lingkod ng hari ng Israel ay sumagot, "Si Eliseo na anak ni Shafat na siyang nagbuhos ng tubig sa mga kamay ni Elias ay narito." Sinabi ni Jehoshafat, "Ang salita ng PANGINOON ay nasa kanya." Kaya't ang hari ng Israel at si Jehoshafat, at ang hari ng Edom ay pumunta sa kanya. Sinabi ni Eliseo sa hari ng Israel, "Anong pakialam ko sa iyo? Pumaroon ka sa mga propeta ng iyong ama at sa mga propeta ng iyong ina." Ngunit sinabi ng hari ng Israel sa kanya, "Hindi; ang PANGINOON ang tumawag sa tatlong haring ito upang ibigay sila sa kamay ng Moab." Sinabi ni Eliseo, "Hanggang nabubuhay ang PANGINOON ng mga hukbo, na aking pinaglilingkuran, kung hindi dahil sa paggalang ko kay Jehoshafat na hari ng Juda, hindi ako titingin sa iyo ni makikipagkita sa iyo. Ngunit ngayo'y dalhan ninyo ako ng isang manunugtog." At nang ang manunugtog ay tumugtog, ang kapangyarihan ng PANGINOON ay dumating sa kanya. At kanyang sinabi, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, 'Punuin ninyo ang libis na ito ng mga hukay' Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON, 'Kayo'y hindi makakakita ng hangin ni ng ulan; ngunit ang libis na iyon ay mapupuno ng tubig, at kayo'y makakainom, kayo at ang inyong mga baka, at ang inyong mga hayop.' Ito'y magaan lamang sa paningin ng PANGINOON; ibibigay rin niya ang mga Moabita sa inyong kamay. Inyong masasakop ang bawat lunsod na may kuta, at ang bawat piling lunsod at inyong ibubuwal ang bawat mabuting punungkahoy, at inyong patitigilin ang lahat ng bukal ng tubig, at inyong sisirain ng mga bato ang bawat mabuting pirasong lupa." Kinaumagahan, sa panahon ng paghahandog ng alay, dumating ang tubig mula sa dako ng Edom, hanggang sa ang buong lupain ay mapuno ng tubig. Nang mabalitaan ng lahat ng Moabita na ang mga hari ay umahon upang makipaglaban sa kanila, ang lahat na may kakayahang makapagsakbat ng sandata, mula sa pinakabata hanggang sa pinakamatanda ay pinalabas at inihanay sa hangganan. Kinaumagahan, nang sila'y maagang bumangon at ang araw ay sumikat na sa tubig, nakita ng mga Moabita na ang tubig sa tapat nila ay mapulang gaya ng dugo. At kanilang sinabi, "Ito'y dugo; ang mga hari ay naglabanan at nagpatayan sa isa't isa. Kaya't ngayon, Moab, sugod sa samsam!" Ngunit nang sila'y dumating sa kampo ng Israel, ang mga Israelita ay nagsitindig at sinalakay ang mga Moabita, hanggang sila'y tumakas sa harapan nila; at sila'y nagpatuloy sa lupain na pinapatay ang mga Moabita. Kanilang winasak ang mga lunsod at sa bawat mabuting bahagi ng lupain ay naghagis ang bawat tao ng bato, hanggang sa ito ay matabunan. Kanilang pinatigil ang lahat ng bukal ng tubig, at ibinuwal ang lahat ng mabuting punungkahoy, hanggang sa ang maiwan lamang ay ang mga bato sa Kir-hareseth at kinubkob at sinalakay iyon ng mga maninirador. Nang makita ng hari ng Moab na ang labanan ay nagiging masama para sa kanya, nagsama siya ng pitong daang lalaki na gumagamit ng tabak upang makalusot sa tapat ng hari ng Edom; ngunit hindi nila magawa. Nang magkagayo'y kinuha niya ang kanyang pinakamatandang anak na lalaki na maghahari sanang kapalit niya, at inihandog niya ito bilang handog na sinusunog sa ibabaw ng pader. At nagkaroon ng malaking poot laban sa Israel; kaya't kanilang iniwan siya, at bumalik sa kanilang sariling lupain. Ang asawa ng isa sa mga anak ng mga propeta ay dumaing kay Eliseo, "Ang iyong lingkod na aking asawa ay patay na. Nalalaman mo na ang iyong lingkod ay takot sa PANGINOON, ngunit ang nagpapautang ay naparito upang kunin ang aking dalawang anak upang maging mga alipin niya." At sinabi ni Eliseo sa kanya, "Anong gagawin ko para sa iyo? Sabihin mo sa akin; anong mayroon ka sa bahay?" At sinabi niya, "Ang iyong lingkod ay walang anumang bagay sa bahay liban sa isang bangang langis." Nang magkagayo'y sinabi niya, "Lumabas ka, manghiram ka ng mga sisidlan sa lahat mong mga kapit-bahay, mga sisidlang walang laman at huwag iilan lamang. Pagkatapos ay pumasok ka, ikaw at ang iyong mga anak ay magsasara ng pintuan, at iyong salinan ang lahat ng sisidlang iyon; at kapag puno na ang isa, itabi mo iyon." Kaya't iniwan siya, at siya at ang kanyang mga anak ay nagsara ng pintuan; at habang kanilang dinadala ang mga sisidlan sa kanya, kanyang sinasalinan. Nang mapuno ang mga sisidlan, sinabi niya sa kanyang anak, "Dalhan mo pa ako ng isang sisidlan." At sinabi niya sa kanya, "Walang iba pang sisidlan." Pagkatapos ay tumigil ang langis sa pagdaloy. Siya'y dumating at sinabi niya sa tao ng Diyos, "Humayo ka at ipagbili mo ang langis, at bayaran mo ang iyong mga utang, at ikaw at ang iyong mga anak ay mabubuhay sa nalabi." Isang araw, si Eliseo ay dumaan sa Sunem, na roon ay nakatira ang isang mayamang babae, na humimok sa kanya na kumain ng tinapay. Kaya't tuwing siya'y daraan doon ay pumupunta siya roon upang kumain ng tinapay. Sinabi niya sa kanyang asawa, "Tingnan mo, aking nahahalata na ito'y isang banal na tao ng Diyos na laging nagdaraan sa atin. Gumawa tayo ng isang maliit na silid na may dingding, at ating ipaglagay siya roon ng isang higaan, isang hapag, isang upuan, at ng isang ilawan, upang tuwing siya'y darating sa atin, siya'y makakatuloy doon." Isang araw, nang siya'y dumating doon, siya'y pumasok sa silid at nagpahinga roon. Sinabi niya kay Gehazi na kanyang lingkod, "Tawagin mo ang Sunamitang ito." Nang matawag niya, siya'y tumayo sa harapan niya. Sinabi niya sa kanya, "Sabihin mo sa kanya, Yamang ikaw ay nag-abala ng lahat ng ito para sa amin, ano nga ang magagawa para sa iyo? Ibig mo bang ipakiusap kita sa hari, o sa punong kawal ng mga hukbo?" At siya'y sumagot, "Ako'y naninirahang kasama ang aking kababayan." At kanyang sinabi, "Ano ang dapat gawin para sa babae?" At sumagot si Gehazi, "Sa katunayan, siya'y walang anak, at ang kanyang asawa ay matanda na." Kanyang sinabi, "Tawagin mo siya." Nang kanyang matawag siya, ang babae ay tumayo sa pintuan. Sinabi niya, "Sa panahong ito, sa pag-ikot ng panahon, ikaw ay yayakap sa isang anak na lalaki." At kanyang sinabi, "Hindi panginoon ko, ikaw na tao ng Diyos; huwag kang magsinungaling sa iyong lingkod." Ang babae ay naglihi at nanganak ng isang lalaki nang panahong iyon, sa pag-ikot ng panahon, gaya ng sinabi ni Eliseo sa kanya. Isang araw, nang malaki na ang bata, siya'y umalis patungo sa kanyang ama na kasama ng mga manggagapas. Kanyang idinaing sa kanyang ama, "Ang ulo ko, ang ulo ko!" At sinabi ng kanyang ama sa kanyang utusan, "Dalhin mo siya sa kanyang ina." Kanyang binuhat siya at dinala sa kanyang ina; ang bata'y nakaupo sa kanyang kandungan hanggang sa katanghaliang-tapat; at siya'y namatay. Pumanhik ang babae at inihiga ang bata sa higaan ng tao ng Diyos, at kanyang pinagsarhan siya ng pintuan at lumabas. At kanyang tinawag ang kanyang asawa, at sinabi, "Pasamahin mo sa akin ang isa sa mga utusan, at ang isa sa mga asno, upang ako'y madaling makatungo sa tao ng Diyos, at makabalik uli." At kanyang sinabi, "Bakit ka pupunta sa kanya ngayon? Hindi bagong buwan o Sabbath man." At kanyang sinabi, "Ayos lang." Nang magkagayo'y siniyahan ng babae ang isang asno, at sinabi niya sa kanyang tauhan, "Patakbuhin mo at humayo ka, huwag mong pabagalin ang takbo para sa akin, malibang sabihin ko sa iyo." Kaya't humayo siya at dumating sa tao ng Diyos sa bundok ng Carmel. Nang matanaw siya ng tao ng Diyos mula sa malayo na siya ay dumarating, kanyang sinabi kay Gehazi na kanyang lingkod, "Tingnan mo, naroon ang Sunamita; tumakbo ka agad upang salubungin siya, at iyong sabihin sa kanya, Mabuti ka ba? Mabuti ba ang iyong asawa? Mabuti ba ang bata?" At siya'y sumagot, "Mabuti." Nang siya'y dumating sa tao ng Diyos sa burol, siya'y humawak sa kanyang mga paa. At lumapit si Gehazi upang ilayo siya. Ngunit sinabi ng tao ng Diyos, "Hayaan mo siya, sapagkat siya'y nasa mapait na pagkabahala; at ito ay inilihim ng PANGINOON sa akin, at hindi sinabi sa akin." Nang magkagayo'y sinabi niya, "Ako ba'y humiling ng isang anak sa aking panginoon? Di ba sinabi ko, Huwag mo akong dayain?" Sinabi niya kay Gehazi, "Bigkisan mo ang iyong mga balakang, at hawakan mo ang aking tungkod sa iyong kamay, at humayo ka. Kung ikaw ay makakasalubong ng sinumang tao, huwag mo siyang batiin; at kung ang sinuman ay bumati sa iyo, huwag mo siyang sagutin. At ipatong mo ang aking tungkod sa mukha ng bata." At sinabi ng ina ng bata, "Habang buhay ang PANGINOON, at ikaw ay nabubuhay, hindi kita iiwan." Kaya't siya'y tumindig at sumunod sa kanya. Si Gehazi ay nauna sa kanila at ipinatong ang tungkod sa mukha ng bata; ngunit walang tunog o palatandaan ng buhay. Kaya't siya'y bumalik upang salubungin siya, at sinabi sa kanya, "Ang bata'y hindi pa nagigising." Nang si Eliseo ay dumating sa bahay, nakita niyang ang bata ay patay at nakahiga sa kanyang higaan. Kaya't siya'y pumasok at sinarhan ang pintuan sa kanilang dalawa, at nanalangin sa PANGINOON. Pagkatapos, siya'y sumampa at dumapa sa ibabaw ng bata, at idinikit ang kanyang bibig sa bibig nito, at ang kanyang mga mata sa mga mata nito, at ang kanyang mga kamay sa mga kamay nito; at habang siya'y nakadapa sa kanya ang laman ng bata ay uminit. Muli siyang tumayo at minsang lumakad sa bahay na paroo't parito, at sumampa, at dumapa sa ibabaw niya. At ang bata'y pitong ulit na bumahin, at iminulat ng bata ang kanyang mga mata. Tinawag niya si Gehazi, at sinabi, "Tawagin mo ang babaing Sunamita." Kaya't kanyang tinawag siya. Nang siya'y lumapit sa kanya, sinabi niya, "Kunin mo ang iyong anak." Siya'y pumasok at nagpatirapa sa kanyang mga paa at yumukod sa lupa. Pagkatapos ay kinuha niya ang kanyang anak at umalis. Nang si Eliseo ay bumalik sa Gilgal, may taggutom sa lupain. Habang ang mga anak ng mga propeta ay nakaupo sa harapan niya, sinabi niya sa kanyang lingkod, "Isalang mo ang malaking palayok, at ipagluto mo ng pagkain ang mga anak ng mga propeta." Ang isa sa kanila ay lumabas sa parang upang manguha ng mga gulayin, at nakakita ng isang baging na ligaw. Namitas siya roon hanggang sa ang kanyang kandungan ay napuno ng ligaw na bunga. Siya'y bumalik at pinagputul-putol ang mga iyon sa palayok ng pagkain, na hindi nalalaman kung ano ang mga iyon. Kanilang inihain ang ilan upang kainin ng mga tao. Subalit nang sila'y kumakain ng niluto, sila'y nagsisigaw, "O tao ng Diyos, may kamatayan sa palayok." Hindi nila makain iyon. Ngunit kanyang sinabi, "Magdala rito ng kaunting harina." Iyon ay kanyang inilagay sa palayok, at kanyang sinabi, "Ihain ninyo sa mga tao ninyo upang sila'y makakain." At hindi na nagkaroon pa ng anumang nakakasama sa palayok. Dumating ang isang lalaki mula sa Baal-salisa, na may dala para sa tao ng Diyos na tinapay mula sa mga unang bunga, dalawampung tinapay na sebada, at mga sariwang uhay ng trigo na nasa kanyang sako. At sinabi ni Eliseo, "Ibigay mo sa mga tao, upang sila'y makakain." Ngunit sinabi ng kanyang lingkod, "Paano ko ito maihahain sa harapan ng isandaang katao?" Kaya't kanyang inulit, "Ibigay mo sa mga tao upang sila'y makakain, sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON, 'Sila'y kakain, at may matitira pa.'" Kaya't inihain niya ang mga iyon sa harapan nila. Sila'y kumain, at mayroong natira, ayon sa salita ng PANGINOON. Si Naaman na punong kawal ng hukbo ng hari ng Siria, ay dakilang lalaki sa harapan ng kanyang panginoon at iginagalang, sapagkat sa pamamagitan niya'y nagbigay ang PANGINOON ng pagtatagumpay sa Siria. Siya ay isang makapangyarihang lalaki na may kagitingan, subalit siya'y ketongin. Ang mga taga-Siria, sa isa sa kanilang pagsalakay ay nagdala ng bihag na dalagita mula sa lupain ng Israel, at siya'y naglingkod sa asawa ni Naaman. Sinabi niya sa kanyang babaing panginoon, "Sana'y haroon ang aking panginoon na kasama ng propeta na nasa Samaria! Kanyang pagagalingin siya sa kanyang ketong." Kaya't si Naaman ay pumasok at sinabi sa kanyang panginoon kung ano ang sinabi ng dalagitang mula sa lupain ng Israel. At sinabi ng hari ng Siria, "Humayo ka, at ako'y magpapadala ng sulat sa hari ng Israel." Kaya't siya'y humayo at nagdala ng sampung talentong pilak, anim na libong pirasong ginto, at sampung magagarang bihisan. Kanyang dinala ang sulat sa hari ng Israel, na nagsasaad, "Kapag dumating sa iyo ang sulat na ito, alam mo na aking sinugo sa iyo si Naaman na aking lingkod upang iyong pagalingin siya mula sa kanyang ketong." Nang mabasa ng hari ng Israel ang sulat, kanyang pinunit ang kanyang suot at nagsabi, "Ako ba'y Diyos upang pumatay at bumuhay, na ang lalaking ito ay nagsugo sa akin upang pagalingin ang taong ito sa kanyang ketong? Tingnan mo lamang at makikita mong siya'y naghahanap ng pag-aawayan namin." Ngunit nang mabalitaan ni Eliseo na tao ng Diyos na pinunit ng hari ng Israel ang kanyang suot, siya'y nagsugo sa hari, na sinasabi, "Bakit mo hinapak ang iyong damit? Paparituhin mo siya sa akin at nang kanyang malaman na may isang propeta sa Israel." Kaya't dumating si Naaman na dala ang kanyang mga kabayo at karwahe at huminto sa tapat ng pintuan ng bahay ni Eliseo. Si Eliseo ay nagpadala ng sugo sa kanya, na sinasabi, "Humayo ka at maligo sa Jordan ng pitong ulit. Ang iyong laman ay manunumbalik at ikaw ay magiging malinis." Ngunit si Naaman ay nagalit, at umalis, na sinasabi, "Akala ko'y tiyak na lalabasin niya ako, at tatayo, at tatawag sa pangalan ng PANGINOON niyang Diyos, at iwawasiwas ang kanyang kamay sa lugar at pagagalingin ang ketongin. Hindi ba ang Abana at ang Farpar, na mga ilog ng Damasco, ay higit na mabuti kaysa lahat ng tubig sa Israel? Hindi ba ako maaaring maligo sa mga iyon, at maging malinis?" Kaya't siya'y pumihit at umalis na galit na galit. Ngunit ang kanyang mga lingkod ay nagsilapit at sinabi sa kanya, "Ama ko, kung iniutos sa iyo ng propeta na gumawa ng mahirap na bagay, hindi mo ba gagawin? Lalo na nga kung sabihin niya sa iyo, 'Maligo ka at maging malinis ka?'" Kaya't lumusong siya at pitong ulit na lumubog sa Jordan, ayon sa sinabi ng tao ng Diyos. Ang kanyang laman ay nanumbalik na gaya ng laman ng isang munting bata, at siya'y naging malinis. Pagkatapos, siya at ang buong pulutong niya ay bumalik sa tao ng Diyos. Siya'y dumating, tumayo sa harapan niya, at kanyang sinabi, "Ngayo'y nalalaman ko na walang Diyos sa buong daigdig maliban sa Israel; kaya't tanggapin mo ang kaloob ng iyong lingkod." Ngunit kanyang sinabi, "Habang buhay ang PANGINOON, na aking pinaglilingkuran, hindi ako tatanggap ng anuman." At ipinilit niya na ito'y kanyang kunin, ngunit siya'y tumanggi. At sinabi ni Naaman, "Kung hindi, hayaan mong bigyan ang iyong lingkod ng lupang kasindami ng mapapasan ng dalawang mola; sapagkat buhat ngayon ang iyong lingkod ay hindi na maghahandog ng handog na susunugin o alay man sa ibang mga diyos, kundi sa PANGINOON. Sa bagay na ito'y patawarin nawa ng PANGINOON ang iyong lingkod: kapag ang aking panginoon ay pumasok sa bahay ni Rimon upang sumamba roon, at siya'y humilig sa aking kamay, at ako'y yumukod sa bahay ni Rimon. Pagyukod ko sa bahay ni Rimon, patawarin nawa ng PANGINOON ang iyong lingkod sa isang bagay na ito." Sinabi niya sa kanya, "Humayo kang payapa." Kaya't siya ay lumayo sa kanya sa di-kalayuan. Ngunit si Gehazi, na lingkod ni Eliseo na tao ng Diyos ay nagsabi, "Tingnan mo, pinalampas ng aking panginoon ang Naamang ito na taga-Siria, sa di pagtanggap mula sa kanyang mga kamay ng kanyang dala. Habang buhay ang PANGINOON, hahabulin ko siya, at kukuha ako ng kahit ano sa kanya." Kaya't sinundan ni Gehazi si Naaman. Nang makita ni Naaman na may humahabol sa kanya, siya'y bumaba sa karwahe upang salubungin siya at sinabi, "Lahat ba'y mabuti?" At kanyang sinabi, "Lahat ay mabuti. Sinugo ako ng aking panginoon upang sabihin na, 'May kararating pa lamang sa akin mula sa lupaing maburol ng Efraim na dalawang binata sa mga anak ng mga propeta. Bigyan mo sila ng isang talentong pilak, at dalawang pampalit na bihisan.'" Sinabi ni Naaman, "Tanggapin mo sana ang dalawang talento." Kanyang hinimok siya, at ibinalot ang dalawang talentong pilak sa dalawang supot, pati ang dalawang pampalit na bihisan, at ipinasan sa dalawa sa kanyang mga tauhan, na nagdala ng mga iyon sa harapan ni Gehazi. Nang siya'y dumating sa burol, kinuha niya ang mga iyon sa kanila at itinago niya sa bahay. Pinahayo niya ang mga lalaki at sila'y umalis. Siya'y pumasok at tumayo sa harapan ng kanyang panginoon. At sinabi ni Eliseo sa kanya, "Saan ka nanggaling, Gehazi?" At kanyang sinabi, "Ang iyong lingkod ay walang pinaroonan." Ngunit kanyang sinabi sa kanya, "Hindi ba sumama ako sa iyo sa espiritu nang ang lalaki ay bumalik mula sa kanyang karwahe upang salubungin ka? Panahon ba upang tumanggap ng salapi at mga bihisan, ng mga olibohan at mga ubasan, ng mga tupa at mga baka, ng mga aliping lalaki at babae? Kaya't ang ketong ni Naaman ay kakapit sa iyo, at sa iyong binhi magpakailanman." At siya'y umalis sa kanyang harapan na isang ketongin, na kasimputi ng niyebe. At sinabi ng mga anak ng mga propeta kay Eliseo, "Tingnan mo, ang lugar na aming tinitirhan sa pangangasiwa mo ay napakaliit para sa amin. Papuntahin mo kami sa Jordan, at kukuha roon ang bawat isa sa amin ng troso at hayaan mong gumawa kami roon ng isang lugar na aming matitirahan." Siya'y sumagot, "Sige." At sinabi ng isa sa kanila, "Maaari bang ikalugod mo na sumama ka sa iyong mga lingkod." At siya'y sumagot, "Ako'y sasama." Kaya't siya'y sumama sa kanila. Nang sila'y dumating sa Jordan, sila'y nagsiputol ng mga punung-kahoy. Ngunit samantalang ang isa'y pumuputol ng troso, ang talim ng palakol ay nalaglag sa tubig; at siya'y sumigaw, "Naku, panginoon ko! Iyon ay hiram lamang." Sinabi ng tao ng Diyos, "Saan iyon bumagsak?" Nang ituro sa kanya ang lugar, pumutol siya ng isang patpat, at inihagis doon, at pinalutang ang bakal. At kanyang sinabi, "Kunin mo." Kaya't kanyang iniabot iyon ng kanyang kamay at kinuha iyon. Minsan, nang ang hari ng Siria ay nakikipagdigma sa Israel, siya'y sumangguni sa kanyang mga lingkod. Kanyang sinabi, "Sa gayo't gayong lugar ay ilalagay ko ang aking kampo." Ngunit ang tao ng Diyos ay nagsugo sa hari ng Israel, na nagsasabi, "Mag-ingat ka na huwag dumaan sa lugar na ito, sapagkat darating ang mga taga-Siria doon." Nagsugo ang hari ng Israel sa lugar na sinabi sa kanya ng tao ng Diyos. Ganoon niya laging binabalaan siya, kaya't kanyang iningatan ang kanyang sarili roon na hindi lamang minsan o makalawa. Ang isipan ng hari ng Siria ay lubhang nabagabag dahil sa bagay na ito. Kanyang tinawag ang kanyang mga lingkod, at sinabi sa kanila, "Sabihin ninyo sa akin! Sino sa atin ang nasa panig ng hari ng Israel?" Sinabi ng isa sa kanyang mga lingkod, "Wala po, panginoon ko, O hari. Si Eliseo, ang propetang nasa Israel, ang nagsasabi sa hari ng Israel ng mga salita na iyong sinabi sa iyong silid-tulugan." At kanyang sinabi, "Humayo ka at tingnan mo kung saan siya naroroon, upang ako'y makapagsugo at dakpin siya." At sinabi sa kanya, "Naroon siya sa Dotan." Kaya't siya'y nagsugo roon ng mga kabayo, mga karwahe, at isang malaking hukbo. Sila'y dumating nang gabi, at pinaligiran ang lunsod. Kinaumagahan, nang ang lingkod ng tao ng Diyos ay bumangong maaga at lumabas, isang hukbo na may mga kabayo at mga karwahe ang nakapaligid sa bayan. At sinabi ng kanyang lingkod, "Kahabag-habag tayo, panginoon ko! Paano ang ating gagawin?" At siya'y sumagot, "Huwag kang matakot, sapagkat ang mga kasama natin ay higit kaysa mga kasama nila." Si Eliseo ay nanalangin, at nagsabi, "Idinadalangin ko sa iyo, PANGINOON, na buksan mo ang kanyang mga mata upang siya'y makakita." At binuksan ng PANGINOON ang mga mata ng binata, at siya'y nakakita. Ang bundok ay puno ng mga kabayo at ng mga karwahe ng apoy sa palibot ni Eliseo. Nang ang mga taga-Siria ay dumating laban sa kanya, nanalangin si Eliseo sa PANGINOON, at nagsabi, "Idinadalangin ko sa iyo, na bulagin mo ang mga taong ito." At kanyang binulag sila ayon sa salita ni Eliseo. At sinabi ni Eliseo sa kanila, "Hindi ito ang daan, at hindi ito ang lunsod. Sumunod kayo sa akin at dadalhin ko kayo sa taong inyong hinahanap." At kanyang dinala sila sa Samaria. Pagkarating nila sa Samaria, sinabi ni Eliseo, "O PANGINOON, imulat mo ang mga mata ng mga lalaking ito upang sila'y makakita." Iminulat ng PANGINOON ang kanilang mga mata at kanilang nakita na sila'y nasa loob ng Samaria. Nang sila'y makita ng hari ng Israel, sinabi niya kay Eliseo, "Ama ko, papatayin ko ba sila? Papatayin ko ba sila?" Siya'y sumagot. "Huwag mo silang papatayin. Papatayin mo ba ang binihag ng iyong tabak at ng iyong pana? Maghain ka ng tinapay at tubig sa harapan nila, upang sila'y makakain at makainom, at magsiparoon sa kanilang panginoon." Kanyang ipinaghanda sila ng malaking handaan; at nang sila'y makakain at makainom, kanyang pinahayo sila, at sila'y pumunta sa kanilang panginoon. At ang mga taga-Siria ay hindi na sumalakay pa sa lupain ng Israel. Pagkatapos nito, tinipon ni Ben-hadad na hari ng Siria ang kanyang buong hukbo, at sila'y umahon, at kinubkob ang Samaria. Nagkaroon ng malaking tag-gutom sa Samaria, habang kanilang kinukubkob ito, hanggang sa ang ulo ng isang asno ay ipinagbili sa halagang walumpung siklo ng pilak, at ang ikaapat na bahagi ng isang takal ng dumi ng kalapati sa halagang limang siklo ng pilak. Habang ang hari ng Israel ay dumaraan sa ibabaw ng pader sumigaw ang isang babae sa kanya, na nagsasabi, "Saklolo, panginoon ko, O hari." Kanyang sinabi, "Hindi! Hayaang saklolohan ka ng PANGINOON. Paano kita matutulungan? Mula sa giikan o sa ubasan?" Ngunit tinanong siya ng hari, "Ano ang iyong daing?" Siya'y sumagot, "Sinabi ng babaing ito sa akin, 'Ibigay mo ang iyong anak, kakainin natin siya ngayon, at kakanin natin ang anak ko bukas.' Kaya't niluto namin ang anak ko, at kinain namin siya. Nang sumunod na araw, sinabi ko sa kanya, 'Ibigay mo ang iyong anak, upang makain natin siya'; ngunit kanyang ikinubli ang kanyang anak." Nang marinig ng hari ang mga salita ng babae, kanyang pinunit ang kanyang suot (nagdaraan siya noon sa ibabaw ng pader;) at ang taong-bayan ay nakatingin, at siya noon ay may suot na pang-ilalim na damit-sako — at kanyang sinabi, "Gawing gayon ng Diyos sa akin, at lalo na, kung ang ulo ni Eliseo, na anak ni Shafat ay manatili sa kanyang mga balikat sa araw na ito." Kaya't ang hari ay nagsugo ng isang tao mula sa kanyang harapan. Noon si Eliseo ay nakaupo sa kanyang bahay, at ang matatanda ay nakaupong kasama niya. Bago dumating ang sugo, sinabi ni Eliseo sa matatanda, "Nakikita ba ninyo kung paanong ang anak ng mamamatay-taong ito ay nagsugo ng isang tao upang pugutin ang aking ulo? Pagdating ng sugo, sarhan ninyo ang pintuan, at hawakan ninyo ang pinto laban sa kanya: Di ba ang tunog ng mga paa ng kanyang panginoon ay nasa likuran niya?" Samantalang siya'y nakikipag-usap sa kanila, dumating ang sugo at kanyang sinabi, "Ang kasamaang ito'y mula sa PANGINOON! Bakit pa ako maghihintay sa PANGINOON?" Ngunit sinabi ni Eliseo, "Pakinggan ninyo ang salita ng PANGINOON. Ganito ang sabi ng PANGINOON: Bukas sa ganitong oras, ang isang takal ng piling harina ay ipagbibili ng isang siklo, at ang dalawang takal ng sebada sa isang siklo sa pintuang-bayan ng Samaria." Nang magkagayon, ang punong kawal na sa kanyang kamay ay nakahilig ang hari, ay sumagot sa tao ng Diyos, "Kung mismong ang PANGINOON ang gagawa ng mga dungawan sa langit, ito na kaya iyon?" Ngunit kanyang sinabi, "Makikita mo iyon ng iyong mga mata, ngunit hindi ka kakain mula roon." Noon ay mayroong apat na ketongin sa pasukan ng pintuang-bayan; at kanilang sinabi sa isa't isa, "Bakit nauupo tayo rito hanggang sa tayo'y mamatay? Kung ating sabihin, 'Pumasok tayo sa lunsod,' ang taggutom ay nasa lunsod, at mamamatay tayo roon; at kung tayo'y uupo rito, tayo'y mamamatay rin. Kaya't tayo na, pumunta tayo sa kampo ng mga taga-Siria. Kung ililigtas nila ang ating buhay, tayo'y mabubuhay; at kung tayo'y patayin nila, talagang tayo'y mamamatay." Kaya't sila'y nagsitindig nang magtatakip-silim upang pumunta sa kampo ng mga taga-Siria. Ngunit nang sila'y dumating sa hangganan ng kampo ng mga taga-Siria ay walang tao roon. Sapagkat ipinarinig ng PANGINOON sa hukbo ng mga taga-Siria ang dagundong ng mga karwahe, ng mga kabayo, at ang dagundong ng isang malaking hukbo, kaya't sinabi nila sa isa't isa, "Inupahan ng hari ng Israel laban sa atin ang mga hari ng mga Heteo, at ang mga hari ng mga Ehipcio upang sumalakay sa atin." Kaya't sila'y nagsitakas nang takipsilim at iniwan ang kanilang mga tolda, ang kanilang mga kabayo, asno, at iniwan ang buong kampo sa dati nitong kaayusan at tumakas dahil sa kanilang buhay. Nang ang mga ketonging ito ay dumating sa gilid ng kampo, sila'y pumasok sa isang tolda, kumain at uminom, at nagsikuha ng pilak, ginto, at bihisan, at humayo at itinago ang mga iyon. Muli silang bumalik at pumasok sa ibang tolda, at kumuha ng mga bagay roon, at umalis at itinago ang mga iyon. Pagkatapos ay sinabi nila sa isa't isa, "Hindi tama ang ginagawa natin. Ang araw na ito ay araw ng mabuting balita. Kung tayo'y mananahimik at maghihintay ng liwanag sa kinaumagahan, parusa ang aabot sa atin. Tayo na ngayon, umalis na tayo at ating sabihin sa sambahayan ng hari." Kaya't sila'y umalis at tinawag ang mga bantay-pinto ng lunsod at kanilang sinabi sa kanila, "Kami ay pumunta sa kampo ng mga taga-Siria, ngunit walang taong makikita o maririnig doon, liban sa mga nakataling kabayo, mga nakataling asno, at ang mga tolda sa dati nilang kaayusan." At nagbalita ang mga bantay-pinto, at napabalita iyon sa loob ng sambahayan ng hari. Ang hari ay bumangon nang gabi, at sinabi sa kanyang mga lingkod, "Sasabihin ko sa inyo ngayon kung ano ang ginawa ng mga taga-Siria laban sa atin. Kanilang nalalaman na tayo'y gutom. 'Kaya't sila'y nagsilabas ng kampo upang kumubli sa parang, na iniisip na, 'Kapag sila'y nagsilabas sa lunsod, kukunin natin silang buhay at papasok tayo sa lunsod.' " Sinabi ng isa sa kanyang mga lingkod, "Hayaan mong ang ilang tauhan ay kumuha ng lima sa mga kabayong nalalabi, yamang ang mga nalalabi rito ay magiging gaya rin lamang ng buong karamihan ng Israel na nangamatay na. Tayo'y magsugo at ating tingnan." Kaya't sila'y nagsikuha ng dalawang lalaking nakakarwahe at sila ay sinugo ng hari upang tingnan ang hukbo ng mga taga-Siria, na sinasabi, "Humayo kayo at tingnan ninyo." Kaya't kanilang sinundan sila hanggang sa Jordan; nakakalat sa buong daan ang mga kasuotan at mga kasangkapan na inihagis ng mga taga-Siria sa kanilang pagmamadali. Kaya't ang mga sugo ay bumalik at nagsalaysay sa hari. Pagkatapos ang taong-bayan ay lumabas at sinamsaman ang kampo ng mga taga-Siria. Kaya't ang isang takal ng mainam na harina ay naipagbili ng isang siklo, at ang dalawang takal ng sebada ay isang siklo, ayon sa salita ng PANGINOON. At inihabilin ng hari sa punong kawal na sinasandalan ng kanyang kamay sa pangangasiwa sa pintuang-bayan, at pinagtatapakan siya ng taong-bayan sa pintuang-bayan, kaya't siya'y namatay na gaya ng sinabi ng tao ng Diyos nang pumunta ang hari sa kanya. At nangyari, gaya ng sinabi ng tao ng Diyos sa hari, na sinasabi, "Ang dalawang takal ng sebada ay maipagbibili ng isang siklo, at ang isang takal ng mainam na harina ay isang siklo, bukas sa mga ganitong oras sa pintuang-bayan ng Samaria;" ang punong kawal ay sumagot sa tao ng Diyos, at nagsabi, "Kung mismong ang PANGINOON ay gagawa ng mga durungawan sa langit, mangyayari ba ang gayong bagay?" At kanyang sinabi, "Makikita mo iyon ng iyong mga mata, ngunit hindi ka kakain mula roon." Kaya't iyon ang nangyari sa kanya, sapagkat tinapakan siya ng taong-bayan hanggang sa namatay sa pintuang-bayan. At sinabi ni Eliseo sa babae na ang anak ay kanyang muling binuhay, "Bumangon ka, at umalis kang kasama ang iyong sambahayan. Mangibang bayan ka kung saan ka makarating sapagkat tumawag ang PANGINOON ng tag-gutom at ito ay darating sa lupain sa loob ng pitong taon." Kaya't ang babae ay bumangon, at ginawa ang ayon sa salita ng tao ng Diyos. Siya'y umalis na kasama ang kanyang sambahayan, at nangibang bayan sa lupain ng mga Filisteo sa loob ng pitong taon. At nangyari, sa katapusan ng ikapitong taon, pagbalik ng babae mula sa lupain ng mga Filisteo, siya'y humayo upang makiusap sa hari tungkol sa kanyang bahay at lupa. Ang hari noon ay nakikipag-usap kay Gehazi na lingkod ng tao ng Diyos, na sinasabi, "Sabihin mo sa akin ang lahat ng mga dakilang bagay na ginawa ni Eliseo." At nangyari, samantalang kanyang sinasabi sa hari kung paanong kanyang ibinalik ang buhay ng patay, ang babae na ang anak ay kanyang muling binuhay ay nakiusap sa hari para sa kanyang bahay at lupa. Sinabi ni Gehazi, "Panginoon ko, o hari, ito ang babae, at ito ang kanyang anak na muling binuhay ni Eliseo." Nang tanungin ng hari ang babae, ay isinalaysay niya ito sa kanya. Kaya't humirang ang hari ng isang pinuno para sa kanya na sinasabi, "Isauli mo ang lahat ng kanya, pati ang lahat ng bunga ng bukirin mula nang araw na kanyang iwan ang lupain hanggang ngayon." Si Eliseo ay pumunta sa Damasco samantalang si Ben-hadad na hari ng Siria ay may sakit. At nagsalita sa kanya, na sinasabi, "Ang tao ng Diyos ay naparito," at sinabi ng hari kay Hazael, "Magdala ka ng isang kaloob, at humayo ka upang salubungin ang tao ng Diyos, at sumangguni ka sa PANGINOON sa pamamagitan niya, na sinasabi, "Gagaling ba ako sa sakit na ito?" Kaya't umalis si Hazael upang salubungin siya, at nagdala siya ng kaloob, ng bawat mabuting bagay sa Damasco, na apatnapung pasang kamelyo. Nang siya'y dumating at tumayo sa harapan niya, ay sinabi niya, "Sinugo ako sa iyo ng anak mong si Ben-hadad na hari ng Siria, na sinasabi, 'Gagaling ba ako sa sakit na ito?'" Sinabi ni Eliseo sa kanya, "Humayo ka, sabihin mo sa kanya, 'Ikaw ay tiyak na gagaling,' subalit ipinakita sa akin ng PANGINOON na siya'y tiyak na mamamatay." Kanyang itinuon ang kanyang paningin at tumitig sa kanya, hanggang sa siya'y napahiya. At ang tao ng Diyos ay umiyak. At sinabi ni Hazael, "Bakit umiiyak ang aking panginoon?" At siya'y sumagot, "Sapagkat nalalaman ko ang kasamaan na iyong gagawin sa mga anak ni Israel. Ang kanilang mga tanggulan ay iyong susunugin ng apoy, at ang kanilang mga kabataang lalaki ay iyong papatayin ng tabak, at dudurugin ang kanilang mga bata, at iyong bibiyakin ang tiyan ng mga babaing buntis." At sinabi ni Hazael, "Magagawa ba ng iyong lingkod na isang aso lamang ang ganitong napakalaking bagay?" At sumagot si Eliseo, "Ipinakita sa akin ng PANGINOON na ikaw ay magiging hari sa Siria." Pagkatapos ay iniwan niya si Eliseo at pumaroon sa kanyang panginoon, na nagsabi sa kanya, "Ano ang sinabi ni Eliseo sa iyo?" At siya'y sumagot, "Kanyang sinabi sa akin na tiyak na ikaw ay gagaling." Subalit kinabukasan, kanyang kinuha ang munting kumot at binasa sa tubig, at iniladlad sa mukha niya hanggang siya'y namatay. At si Hazael ay naging hari na kapalit niya. Nang ikalimang taon ni Joram na anak ni Ahab, na hari ng Israel, noong si Jehoshafat ay hari sa Juda, si Jehoram na anak ni Jehoshafat na hari ng Juda ay nagpasimulang maghari. Siya'y tatlumpu't dalawang taong gulang nang siya'y maging hari; at siya'y walong taong naghari sa Jerusalem. Siya'y lumakad sa landas ng mga hari ng Israel, gaya ng ginawa ng sambahayan ni Ahab, sapagkat ang anak ni Ahab ay kanyang asawa. Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng PANGINOON. Gayunma'y ayaw wasakin ng PANGINOON ang Juda, alang-alang kay David na kanyang lingkod, yamang kanyang ipinangako na magbibigay siya ng isang ilawan sa kanya at sa kanyang mga anak magpakailanman. Sa kanyang mga araw ay naghimagsik ang Edom sa ilalim ng pamamahala ng Juda, at naglagay sila ng kanilang hari. Pagkatapos ay dumaan si Joram sa Seir kasama ang lahat niyang mga karwahe. Siya'y bumangon nang gabi, at pinatay niya at ng kanyang mga pinuno ang mga Edomita na nakapalibot sa kanya; ngunit ang kanyang mga tauhan ay tumakas sa kani-kanilang mga tolda. Sa gayo'y naghimagsik ang Edom laban sa pamumuno ng Juda, hanggang sa araw na ito. Ang Libna ay naghimagsik din nang panahon ding iyon. At ang iba pa sa mga gawa ni Joram, at ang lahat niyang ginawa, di ba nasusulat sa Aklat ng mga Kasaysayand ng mga Hari ng Juda? At si Joram ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing na kasama nila sa lunsod ni David. Si Ahazias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. Nang ikalabindalawang taon ni Joram na anak ni Ahab, na hari ng Israel, nagsimulang maghari si Ahazias na anak ni Jehoram na hari sa Juda. Si Ahazias ay dalawampu't dalawang taong gulang nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Atalia na apo ni Omri na hari ng Israel. Siya'y lumakad din sa landas ng sambahayan ni Ahab, at gumawa ng kasamaan sa paningin ng PANGINOON, gaya ng ginawa ng sambahayan ni Ahab, sapagkat siya'y manugang sa sambahayan'ni Ahab. Siya'y sumama kay Joram na anak ni Ahab upang makipagdigma laban kay Hazael na hari ng Siria sa Ramot-gilead, na doon ay sinugatan ng mga taga-Siria si Joram. Si Haring Joram ay bumalik sa Jezreel upang magpagaling sa kanyang mga sugat na likha ng mga taga-Siria sa Rama nang siya'y lumaban kay Hazael na hari ng Siria. Si Ahazias na anak ni Jehoram, na hari ng Juda ay lumusong upang tingnan si Joram na anak ni Ahab sa Jezreel, sapagkat siya'y sugatan. At tinawag ni Eliseo na propeta ang isa sa mga anak ng mga propeta at sinabi sa kanya, "Bigkisan mo ang iyong mga balakang, at hawakan mo ang sisidlang ito ng langis at pumunta ka sa Ramot-gilead. Pagdating mo, hanapin mo roon si Jehu na anak ni Jehoshafat, na anak ni Nimsi. Pasukin mo siya at paalisin mo siya sa kanyang mga kasamahan at dalhin mo siya sa isang silid sa loob. Pagkatapos ay kunin mo ang sisidlan ng langis, at ibuhos mo sa kanyang ulo, at iyong sabihin. “Ganito ang sabi ng PANGINOON, Binubuhusan kita upang maging hari ng Israel.' Pagkatapos ay buksan mo ang pintuan at tumakas ka, huwag ka ng maghintay." Kaya't ang batang lalaki, ang lingkod ng propeta ay pumunta sa Ramot-gilead. Nang siya'y dumating, ang mga punong kawal ng hukbo ay nagpupulong. At kanyang sinabi, 'Ako'y may sasabihin sa iyo, O punong kawal." At sinabi ni Jehu, "Sino sa aming lahat?" At kanyang sinabi, "Sa iyo, O punong kawal." Kaya't siya'y tumindig at pumasok sa bahay, at ibinuhos niya ang langis sa kanyang ulo, na sinasabi sa kanya, "Ganito ang sabi ng PANGINOONG Diyos ng Israel, Aking binuhusan ka upang maging hari sa bayan ng PANGINOON, samakatuwid ay sa Israel. Ibabagsak mo ang sambahayan ni Ahab na iyong panginoon, upang aking maipaghiganti ang dugo ng aking mga lingkod na mga propeta, at ang dugo ng lahat ng lingkod ng PANGINOON sa kamay ni Jezebel. Sapagkat ang buong sambahayan ni Ahab ay malilipol at aking ihihiwalay kay Ahab ang bawat batang lalaki, bihag man o malaya, sa Israel. Aking gagawin ang sambahayan ni Ahab na gaya ng sambahayan ni Jeroboam na anak ni Nebat, at gaya ng sambahayan ni Baasa na anak ni Ahia. Lalapain ng mga aso si Jezebel sa nasasakupan ng Jezreel, at walang maglilibing sa kanya." Pagkatapos ay kanyang binuksan ang pintuan, at tumakas. Nang lumabas si Jehu patungo sa mga lingkod ng kanyang panginoon, kanilang sinabi sa kanya, "Lahat ba'y mabuti? Bakit naparito ang ulol na taong ito sa iyo? " At sinabi niya sa kanila, "Kilala ninyo ang lalaki at ang kanyang pananalita." Kanilang sinabi, "Ito'y isang kasinungalingan, sabihin mo sa amin ngayon." At kanyang sinabi, "Ganito lamang ang sinabi niya sa akin: 'Ganito at ganito ang sabi ng PANGINOON, Binuhusan kita ng langis upang maging hari sa Israel.' " At dali-daling kinuha ng bawat isa ang kanya-kanyang kasuotan at iniladlad para sa kanya sa ibabaw ng hagdan, at kanilang hinipan ang trumpeta, at ipinahayag, "Si Jehu ay hari." Gayon nakipagsabwatan si Jehu na anak ni Jehoshafat, na anak ni Nimsi, laban kay Joram. Si Joram at ang buong Israel ay nagbabantay sa Ramot-gilead laban kay Haring Hazael ng Siria; ngunit nakabalik na si Haring Joram sa Jezreel upang magpagaling sa kanyang mga sugat na likha ng mga taga-Siria, nang siya'y lumaban kay Hazael na hari ng Siria. Kaya't sinabi ni Jehu, "Kung ito ang inyong iniisip, huwag hayaang makalabas ang sinuman sa lunsod at magsabi ng balita sa Jezreel." Sumakay si Jehu sa karwahe at pumunta sa Jezreel, sapagkat si Joram ay nakaratay roon. At si Ahazias na hari ng Juda ay bumaba upang dalawin si Joram. Noon ang tanod ay nakatayo sa muog sa Jezreel, at kanyang natanaw ang pulutong ni Jehu habang dumarating siya, at nagsabi, "Ako'y nakakakita ng isang. pulutong." At sinabi ni Joram, "Kumuha ka ng isang mangangabayo, at iyong suguin upang salubungin sila, at magsabi, 'Kapayapaan ba?'" Kaya't pumaroon ang isang nangangabayo upang salubungin siya, at sinabi, "Ganito ang sabi ng hari, 'Kapayapaan ba?'" At sinabi ni Jehu, "Anong pakialam mo sa kapayapaan? Bumalik kang kasunod ko." At nag-ulat ang tagatanod, "Ang sugo ay nakarating sa kanila, ngunit siya'y hindi bumabalik." Pagkatapos ay nagsugo siya ng ikalawang mangangabayo na dumating sa kanila, at nagsabi, "Ganito ang sabi ng hari, 'Kapayapaan ba?'" At sumagot si Jehu, "Ano ang iyong pakialam sa kapayapaan? Bumalik kang kasunod ko." At muling nag-ulat ang tanod, "Siya'y dumating sa kanila, subalit siya'y hindi bumabalik. At ang pagpapatakbo ay gaya ng pagpapatakbo ni Jehu, na anak ni Nimsi, sapagkat siya'y napakatulin magpatakbo." Sinabi ni Joram, "Maghanda kayo." At kanilang inihanda ang kanyang karwahe. Si Joram na hari ng Israel at si Ahazias na hari ng Juda ay nagsilabas, bawat isa sa kanyang karwahe, at sila'y umalis upang salubungin si Jehu, at nasalubong siya sa lupang pag-aari ni Nabat na Jezreelita. Nang makita ni Joram si Jehu, ay kanyang sinabi, "Kapayapaan ba, Jehu?" At siya'y sumagot. "Paanong magkakaroon ng kapayapaan, habang ang mga pakikiapid at mga pangkukulam ng iyong inang si Jezebel ay napakarami?" Kaya't pumihit si Joram at tumakas, na sinasabi kay Ahazias, "Pagtataksil, O Ahazias!" Binunot ni Jehu ng kanyang buong lakas ang pana at pinana si Joram sa pagitan ng kanyang mga balikat. Ang pana ay tumagos sa kanyang puso, at siya'y nabuwal sa kanyang karwahe. Sinabi ni Jehu kay Bidkar na kanyang punong kawal, "Buhatin mo siya at ihagis sa lupang pag-aari ni Nabat na Jezreelita. Sapagkat naaalala ko, nang ako't ikaw ay nakasakay na magkasama na kasunod ni Ahab na kanyang ama, kung paanong binigkas ng PANGINOON ang salitang ito laban sa kanya: 'Kung paanong tunay na aking nakita kahapon ang dugo ni Nabat, at ang dugo ng kanyang mga anak, sabi ng PANGINOON, pagbabayarin kita sa lupang ito.' Ngayon nga'y buhatin mo siya at ihagis mo sa lupa, ayon sa salita ng PANGINOON." Ngunit nang makita ito ni Ahazias na hari ng Juda, siya'y tumakas patungo sa Bet-hagan. At siya'y hinabol ni Jehu, at sinabi, "Panain mo rin siya;" at pinana nila siya sa karwahe sa ahunan sa Gur na malapit sa Ibleam. At siya'y tumakas patungo sa Megido, at namatay roon. Dinala siya ng kanyang mga lingkod sa isang karwahe patungo sa Jerusalem, at inilibing siya sa kanyang libingan na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David. Nang ikalabing-isang taon ni Joram na anak ni Ahab, nagsimulang maghari si Ahazias sa Juda. Nang si Jehu ay dumating sa Jezreel, nabalitaan ito ni Jezebel. Kanyang kinulayan ang kanyang mga mata, at ginayakan ang kanyang ulo, at dumungaw sa bintana. At habang pumapasok si Jehu sa pintuang-bayan, kanyang sinabi, "Kapayapaan ba, ikaw Zimri, ikaw na mamamatay ng iyong panginoon?" Siya ay tumingala sa bintana, at sinabi, "Sino ang sa aking panig? Sino?" Dalawa o tatlong eunuko ang dumungaw sa kanya. Kanyang sinabi, "Ihulog ninyo siya." Kaya't kanilang inihulog siya at ang iba niyang dugo ay tumilamsik sa pader at sa mga kabayo, at siya'y kanyang niyurakan. Pagkatapos ay pumasok siya at kumain at uminom. At kanyang sinabi, "Tingnan ninyo ngayon ang isinumpang babaing ito. Ilibing ninyo siya, sapagkat siya'y anak ng hari." Ngunit nang sila'y lumabas upang ilibing siya, wala na silang natagpuan sa kanya maliban sa bungo, mga paa, at ang mga palad ng kanyang mga kamay. Nang sila'y bumalik at sabihin sa kanya, ay sinabi niya, "Ito ang salita ng PANGINOON, na kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Elias na Tisbita, 'Sa nasasakupan ng Jezreel, kakainin ng mga aso ang laman ni Jezebel; ang bangkay ni Jezebel ay magiging gaya ng dumi sa ibabaw ng bukid sa nasasakupan ng Jezreel, upang walang makapagsabi, Ito si Jezebel'" Si Ahab ay may pitumpung anak na lalaki sa Samaria. Kaya't gumawa si Jehu ng mga sulat, at ipinadala sa Samaria, sa mga pinuno sa Jezreel, sa matatanda, at sa mga tagapag-alaga ng mga anak ni Ahab, na sinasabi, "Pagdating ng sulat na ito sa inyo, yamang ang mga anak ng inyong panginoon ay kasama ninyo, at mayroon kayong mga karwahe at mga kabayo, at mga lunsod na may kuta, at mga sandata, piliin ninyo ang pinakamahusay at ang pinakamarapat sa mga anak ng inyong panginoon at iupo ninyo sa trono ng kanyang ama, at ipaglaban ninyo ang sambahayan ng inyong panginoon." Ngunit sila'y lubhang natakot, at nagsabi, "Tingnan ninyo, hindi nakatagal sa kanya ang dalawang hari; paano nga tayo makakatagal sa kanya?" Kaya't ang tagapamahala ng palasyo, at ang tagapamahala ng lunsod, gayundin ang matatanda, at ang mga tagapag-alaga, ay nagsugo kay Jehu, na nagsasabi, "Kami ay iyong mga lingkod, at gagawin namin ang lahat ng iyong iuutos sa amin. Hindi namin gagawing hari ang sinuman; gawin mo ang mabuti sa iyong paningin." Nang magkagayo'y gumawa siya ng ikalawang sulat sa kanila, na nagsasabi, "Kung kayo'y nasa aking panig, at kung kayo'y handang sumunod sa akin, kunin ninyo ang mga ulo ng mga anak na lalaki ng inyong panginoon, at pumarito kayo sa akin sa Jezreel bukas sa ganitong oras." Ang mga anak ng hari na binubuo ng pitumpung katao ay kasama ng mga pinuno sa lunsod na nag-aalaga sa kanila. Nang ang sulat ay dumating sa kanila, kanilang kinuha ang mga anak ng hari na binubuo ng pitumpung katao; at pinagpapatay sila, at inilagay ang kanilang mga ulo sa mga basket, at ipinadala sa kanya sa Jezreel. Nang dumating ang sugo at sinabi sa kanya, "Kanilang dinala ang mga ulo ng mga anak ng hari," ay kanyang sinabi, "Ilagay ninyo sila ng dalawang bunton sa pasukan ng pintuang-bayan hanggang sa kinaumagahan." Kinaumagahan, nang siya'y lumabas, siya'y tumayo at sinabi sa buong bayan, "Kayo'y mga walang sala. Ako ang nakipagsabwatan laban sa aking panginoon at pumatay sa kanya; ngunit sinong pumatay sa lahat ng ito? Talastasin ninyo ngayon na walang salita ng PANGINOON ang mahuhulog sa lupa, na sinabi ng PANGINOON tungkol sa sambahayan ni Ahab; sapagkat ginawa ng PANGINOON ang kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Elias." Kaya't pinatay ni Jehu ang lahat ng nalabi sa sambahayan ni Ahab sa Jezreel, ang lahat niyang mga pinuno, at ang kanyang mga malapit na kaibigan, at ang kanyang mga pari, hanggang sa wala siyang itinira. Pagkatapos siya'y naghanda at nagtungo sa Samaria. Sa daan, samantalang siya'y nasa Bet-eked ng mga Pastol, nakasalubong ni Jehu ang mga kapatid ni Ahazias na hari ng Juda, at sinabi niya, "Sino kayo?" At sila'y nagsisagot, "Kami ay mga kapatid ni Ahazias, at kami ay nagsilusong upang dalawin ang mga anak ng hari at ang mga anak ng reyna." Sinabi niya, "Hulihin ninyo silang buhay." Kanilang hinuli silang buhay; at pinatay sila sa hukay ng Bet-eked; wala siyang itinirang buhay sa kanila na binubuo ng apatnapu't dalawang katao. Nang siya'y makaalis mula roon, nasalubong niya si Jonadab na anak ni Recab na dumarating upang salubungin siya. Kanyang binati siya at sinabi sa kanya, "Ang iyo bang puso ay tapat, gaya ng aking puso sa iyong puso?" At sumagot si Jonadab, "Oo." At sinabi ni Jehu, "Kung gayon, iabot mo sa akin ang iyong kamay." At iniabot niya sa kanya ang kanyang kamay. At isinama siya ni Jehu at isinakay sa karwahe. At kanyang sinabi, "Sumama ka sa akin at tingnan mo ang aking sigasig sa PANGINOON." Kaya't kanilang pinasakay sila sa kanyang karwahe. Nang siya'y dumating sa Samaria, kanyang pinatay ang lahat ng nalabi kay Ahab sa Samaria, hanggang sa kanyang malipol sila, ayon sa salita ng PANGINOON na kanyang sinabi kay Elias. Pagkatapos ay tinipon ni Jehu ang buong bayan, at sinabi sa kanila, "Si Ahab ay naglingkod kay Baal ng kaunti, ngunit si Jehu ay maglilingkod sa kanya ng marami. Ngayon nga'y tawagin ninyo sa akin ang lahat ng propeta ni Baal, ang lahat ng mga sumasamba sa kanya, at ang lahat niyang mga pari; walang sinuman ang mawawala, sapagkat mayroon akong dakilang handog na iaalay kay Baal. Sinumang wala roon ay hindi mabubuhay." Ngunit ito'y ginawa ni Jehu na may katusuhan upang kanyang malipol ang mga sumasamba kay Baal. Iniutos ni Jehu, "Magdaos kayo ng isang taimtim na pagpupulong para kay Baal." At kanilang ipinahayag iyon. Nagpasugo si Jehu sa buong Israel, at ang lahat ng sumasamba kay Baal ay nagsidating, kaya't walang taong naiwan na hindi dumating. Sila'y pumasok sa bahay ni Baal; at ang templo ni Baal ay napuno mula sa isang dulo hanggang sa kabila. Sinabi niya sa katiwala ng silid-bihisan, "Ilabas mo ang lahat ng mga kasuotang para sa lahat ng sumasamba kay Baal." Kaya't inilabas niya ang mga kasuotan para sa kanila. Sina Jehu at Jonadab na anak ni Recab ay pumasok sa bahay ni Baal, at kanyang sinabi sa mga sumasamba kay Baal, "Maghanap kayo at tiyakin ninyo na wala kayo ritong kasamang lingkod ng PANGINOON, kundi mga sumasamba kay Baal lamang." At sila'y nagsipasok upang mag-alay ng mga handog at ng mga handog na sinusunog. Si Jehu naman ay nagtalaga ng walumpung lalaki sa labas, at sinabi, "Ang taong magpapatakas sa sinumang mga taong ibinigay ko sa inyong mga kamay, ang kanyang buhay ay ibibigay bilang kapalit." Kaya't pagkatapos niyang makapag-alay ng mga handog na sinusunog, sinabi ni Jehu sa bantay at sa mga punong kawal, "Kayo'y pumasok at patayin ninyo sila; huwag patatakasin ang sinuman." Pinatay sila ng mga bantay at mga punong kawal sa pamamagitan ng talim ng tabak at inihagis sila sa labas ng mga bantay at ng mga punong kawal; pagkatapos ay pumasok sila sa loob ng bahay ni Baal, at kanilang inilabas ang mga haligi ng bahay ni Baal, at sinunog ito. At kanilang winasak ang haligi ni Baal, at winasak ang bahay ni Baal, at ginawang tapunan ng dumi hanggang sa araw na ito. Sa gayon pinawi ni Jehu si Baal mula sa Israel. Gayunma'y hindi humiwalay si Jehu sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dito'y ibinunsod niya sa pagkakasala ang Israel, samakatuwid ay ang mga guyang ginto na nasa Bethel at Dan. Sinabi ng PANGINOON kay Jehu, "Sapagkat ikaw ay gumawa ng mabuti sa paggawa ng matuwid sa aking paningin, at iyong ginawa sa sambahayan ni Ahab ang ayon sa lahat ng nasa aking puso, ang iyong mga anak sa ikaapat na salinlahi ay uupo sa trono ng Israel." Ngunit si Jehu ay hindi maingat sa paglakad ng kanyang buong puso sa kautusan ng PANGINOONG Diyos ng Israel. Siya'y hindi humiwalay sa mga kasalanan ni Jeroboam, na dito'y ibinunsod niya sa pagkakasala ang Israel. Nang mga araw na iyon ay pinasimulan ng PANGINOON na putulan ng mga bahagi ang Israel. Ginapi sila ni Hazael sa buong nasasakupan ng Israel, mula sa Jordan patungong silangan, ang buong lupain ng Gilead, ang mga Gadita, ang mga Rubenita, ang mga Manasita, mula sa Aroer na nasa libis ng Arnon, na ito'y ang Gilead at ang Basan. Ang iba pang mga gawa ni Jehu, at ang lahat ng kanyang ginawa, at ang lahat niyang kagitingan, di ba ang mga iyon ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga Hari ng Israel? At si Jehu ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno at kanilang inilibing siya sa Samaria. At si Jehoahaz na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. At ang panahong naghari si Jehu sa Israel sa Samaria ay dalawampu't walong taon. Nang makita ni Atalia na ina ni Ahazias, na ang kanyang anak ay patay na, siya'y tumindig at nilipol ang lahat ng binhi ng hari. Ngunit kinuha ni Jehosheba, na anak na babae ni Haring Joram, na kapatid na babae ni Ahazias, si Joas na anak ni Ahazias, at lihim na kinuha siya mula sa mga anak ng hari na malapit nang patayin, at kanyang inilagay sjya at ang kanyang yaya sa isang silid-tulugan. Sa gayon niya ikinubli ang bata kay Atalia, kaya't siya'y hindi napatay. Siya'y nanatiling kasama niya sa loob ng anim na taon na nakatago sa bahay ng PANGINOON, samantalang si Atalia ay naghari sa lupain. Ngunit nang ikapitong taon, si Jehoiada ay nagsugo at dinala ang mga punong kawal ng mga Cariteo, at ang mga bantay, at sila'y pinapasok niya sa bahay ng PANGINOON. Siya'y nakipagtipan sa kanila at pinasumpa sila sa bahay ng PANGINOON, at ipinakita sa kanila ang anak ng hari. At kanyang iniutos sa kanila, "Ito ang bagay na inyong gagawin: ang ikatlong bahagi sa inyo, na nagpapahinga sa Sabbath at nagbabantay sa bahay ng hari (ang isa pang ikatlong bahagi ay nakatalaga sa pintuang-bayan ng Sur; at ang ikatlong bahagi ay sa pintuang-bayan sa likod ng bantay), ay magiging bantay sa bahay ng hari; ang dalawang pulutong naman sa inyo, na hindi nagbantay sa Sabbath na ito ay siyang magbabantay sa bahay ng PANGINOON para sa hari. Inyong paliligiran ang hari, bawat isa'y may sandata sa kanyang kamay; at sinumang lumapit sa hanay ay papatayin. Samahan ninyo ang hari kapag siya'y lumalabas at pumapasok." At ginawa ng mga pinuno ang ayon sa lahat ng iniutos ni Jehoiada na pari, at kinuha ng bawat isa ang kanyang mga tauhan, yaong hindi magbabantay sa araw ng Sabbath, kasama ng mga nagbabantay sa araw ng Sabbath, at nagsiparoon kay Jehoiada na pari. Ibinigay ng pari sa mga pinuno ang mga sibat at ang mga kalasag na naging pag-aari ni Haring David, na nasa bahay ng PANGINOON; at ang mga bantay ay tumayo, bawat isa'y may sandata sa kanyang kamay, mula sa dakong kanan ng bahay hanggang sa dakong kaliwa ng bahay, sa may dambana at sa may bahay, sa palibot ng hari. Pagkatapos ay inilabas niya ang anak ng hari, at ipinutong ang korona sa kanya, at ibinigay sa kanya ang patotoo; at kanilang ipinahayag siyang hari, at binuhusan siya ng langis, at kanilang ipinalakpak ang kanilang mga kamay, at nagsipagsabi, "Mabuhay ang hari!" Nang marinig ni Atalia ang ingay ng bantay at ng taong-bayan, pumasok siya sa loob ng bahay ng PANGINOON patungo sa mga tao. Nang siya'y tumingin, naroon ang hari na nakatayo sa tabi ng haligi, ayon sa kaugalian, at ang mga pinuno at ang mga manunugtog ng trumpeta sa tabi ng hari; at ang buong bayan ng lupain na nagsasaya at humihihip ng trumpeta. Kaya't hinapak ni Atalia ang kanyang kasuotan, at sumigaw, "Pagtataksil! Pagtataksil!" At ang paring si Jehoiada ay nag-utos sa mga kapitan ng tig-iisandaan na itinalaga sa hukbo, "Ilabas ninyo siya sa pagitan ng mga hanay, at patayin ninyo ng tabak ang sinumang sumunod sa kanya." Sapagkat sinabi ng pari, "Huwag siyang papatayin sa bahay ng PANGINOON." Sa gayo'y kanilang binigyan siya ng daan, at siya'y pumasok sa pasukan ng mga kabayo patungo sa bahay ng hari, at doon siya pinatay. Si Jehoiada ay nakipagtipan sa PANGINOON, sa hari, at sa mamamayan, na sila'y magiging bayan ng PANGINOON; gayundin sa pagitan ng hari at ng bayan. At ang lahat ng mamamayan ng lupain ay pumunta sa bahay ni Baal, at ito'y ibinagsak. Ang kanyang mga dambana at ang kanyang mga larawan ay kanilang pinagputul-putol ng lubusan at kanilang pinatay si Matan na pari ni Baal sa harap ng mga dambana. At ang pari ay naglagay ng mga bantay sa bahay ng PANGINOON. Kanyang isinama ang mga punong kawal, ang mga Cariteo, ang mga bantay, at ang buong mamamayan ng lupain. Kanilang ibinaba ang hari mula sa bahay ng PANGINOON, at nagsidaan sa pintuang-bayan ng mga bantay patungo sa bahay ng hari. At siya'y naupo sa trono ng mga hari. Kaya't ang lahat ng mamamayan ng lupain ay nagsaya. Ang lunsod ay tumahimik pagkatapos na si Atalia ay mapatay ng tabak sa bahay ng hari. Si Jehoas ay pitong taon nang siya'y nagsimulang maghari. Nang ikapitong taon ni Jehu, nagsimulang maghari si Jehoas at siya'y naghari sa loob ng apatnapung taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Sibia na taga-Beer-seba. Gumawa si Jehoas ng matuwid sa mga mata ng PANGINOON sa lahat ng kanyang araw, sapagkat tinuruan siya ni Jehoiada na pari. Gayunma'y ang mga mataas na dako ay hindi inalis; ang mga tao ay patuloy na naghandog at nagsunog ng insenso sa mga mataas na dako. Sinabini Jehoas sa mga pari, "Ang lahat ng salaping inihandog bilang mga banal na bagay na ipinasok sa bahay ng PANGINOON, ang salaping umiiral, na salaping inihalaga sa mga pagkatao na hiniling sa bawat isa, at ang salapi na iniudyok ng puso ng tao na kanyang dalhin sa bahay ng PANGINOON, ay kukunin ng mga pari para sa kanila, bawat isa sa kanyang kakilala; at kanilang aayusin ang mga sira ng bahay saanman matuklasang may anumang sira." Ngunit nang ikadalawampu't tatlong taon ni Haring Jehoas, ang mga pari ay hindi nag-ayos ng mga sira sa bahay. Kaya't tinawag ni Haring Jehoas si Jehoiada na pari at ang iba pang mga pari at sinabi sa kanila, "Bakit hindi ninyo inaayos ang mga sira ng bahay? Ngayon ay huwag na kayong tumanggap ng salapi sa inyong mga kakilala, kundi ibigay ninyo para sa mga sira ng bahay." Kaya't pinagkasunduan ng mga pari na hindi na sila kukuha pa ng salapi mula sa taong-bayan, at hindi na nila aayusin ang mga sira ng bahay. At si Jehoiada na pari ay kumuha ng isang kaban, at binutasan ang takip niyon, at inilagay sa tabi ng dambana sa gawing kanan ng pagpasok sa bahay ng PANGINOON. Isinilid doon ng mga pari na nagtatanod sa pintuan ang lahat ng salapi na dinala sa bahay ng PANGINOON. Tuwing makikita nila na marami ng salapi sa kaban, ang kalihim ng hari at ang pinakapunong pari ay umaakyat, at kanilang binibilang at isinisilid sa mga supot ang mga salapi na natagpuan sa bahay ng PANGINOON. Pagkatapos ay ibinibigay nila ang salaping tinimbang sa mga kamay ng mga manggagawa na nangangasiwa sa bahay ng PANGINOON; at ito ay kanilang ibinayad sa mga karpintero at sa mga manggagawa na gumawa sa bahay ng PANGINOON, at sa mga mason at nagtatabas ng bato, gayundin upang ibili ng mga kahoy at mga batong tinibag para sa pag-aayos ng mga sira sa bahay ng PANGINOON, at para sa lahat ng magugugol sa bahay sa pag-aayos nito. Ngunit walang ginawa para sa bahay ng PANGINOON na mga palangganang pilak, mga pamutol ng mitsa, mga mangkok, mga trumpeta, o anumang kasangkapang ginto, o kasangkapang pilak, mula sa salapi na ipinasok sa bahay ng PANGINOON, sapagkat iyon ay kanilang ibinigay sa mga gumawa ng gawain at sa pamamagitan niyon ay inayos nila ang bahay ng PANGINOON. Hindi sila humingi ng pagsusulit mula sa mga lalaki na sa kanilang mga kamay ay ibinigay ang salapi upang ibayad sa mga manggagawa, sapagkat sila'y nagsigawang may katapatan. Ang salapi mula sa handog para sa budhing nagkasala, at ang salapi mula sa handog pangkasalanan ay hindi ipinasok sa bahay ng PANGINOON; ang mga iyon ay nauukol sa mga pari. Nang panahong iyon, si Hazael na hari ng Siria ay umahon at nilabanan ang Gat, at nasakop iyon at iniharap ni Hazael ang kanyang mukha upang umahon sa Jerusalem upang ito ay labanan, at kinuha ni Jehoas na hari ng Juda ang lahat ng bagay na itinalaga ni Jehoshafat, at ni Jehoram, at ni Ahazias, na kanyang mga ninuno, na mga hari sa Juda, at ang kanyang mga itinalagang bagay, at ang lahat ng ginto na natagpuan sa mga kabang-yaman ng bahay ng PANGINOON at sa bahay ng hari, at ipinadala kay Hazael na hari ng Siria. Pagkatapos si Hazael ay umalis sa Jerusalem. Ang iba sa mga gawa ni Joas, at ang lahat niyang ginawa, di ba ang mga iyon ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayang ng mga Hari ng Juda? At ang kanyang mga lingkod ay nagsitindig at nagsabwatan, at pinatay nila si Joas sa bahay ng Milo, sa daang palusong sa Silah. Si Josakar na anak ni Shimeat at si Jozabad na anak ni Somer, na kanyang mga lingkod, ang sumunggab sa kanya, kaya't siya'y namatay. At kanilang inilibing siya na kasama ng kanyang mga magulang sa lunsod ni David; at si Amasias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. Nang ikadalawampu't tatlong taon ni Joas na anak ni Ahazias na hari ng Juda, si Jehoahaz na anak ni Jehu ay nagsimulang maghari sa Israel sa Samaria; at siya'y naghari sa loob ng labim-pitong taon. Gumawa siya ng kasamaan sa paningin ng PANGINOON, at sumunod sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na naging sanhi ng pagkakasala ng Israel; hindi niya iniwan ang mga iyon. Ang galit ng PANGINOON ay nagningas laban sa Israel, kaya't paulit-ulit niyang ibinigay sila sa kamay nina Hazael na hari ng Siria at ni Ben-hadad na anak ni Hazael. Ngunit si Jehoahaz ay nanalangin sa harap ng PANGINOON, at pinakinggan siya ng Panginoon, sapagkat nakita niya ang pagmamalupit sa Israel, kung paanong pinagmalupitan sila ng hari ng Siria. Kaya't binigyan ng PANGINOON ang Israel ng isang tagapagligtas, at sila'y nakatakas mula sa kamay ng mga taga-Siria; at ang mamamayan ng Israel ay nanirahan sa kanilang mga tolda gaya ng dati. Gayunma'y hindi nila tinalikuran ang mga kasalanan ng sambahayan ni Jeroboam, na dahil dito'y ibinunsod niya ang Israel sa pagkakasala, kundi lumakad sila sa mga ito; ang Ashera ay nanatili rin sa Samaria. Kaya't walang naiwan kay Jehoahaz na hukbo na higit pa sa limampung mangangabayo at sampung karwahe at sampung libong taong lakad; sapagkat pinuksa ang mga iyon ng hari ng Siria na gaya ng alabok sa giikan. Ang iba sa mga gawa ni Jehoahaz, at ang lahat niyang ginawa, at ang kanyang kapangyarihan, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga Hari ng Israel? Kaya't si Jehoahaz ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing nila siya sa Samaria. Si Joas na kanyang anak ang nagharing kapalit niya. Nang ikatatlumpu't pitong taon ni Joas na hari ng Juda, si Jehoas na anak ni Jehoahaz ay nagsimulang maghari sa Israel sa Samaria, at siya'y naghari sa loob ng labing-anim na taon. Siya'y gumawa rin ngmasamasa paningin ng PANGINOON. Siya'y hindi humiwalay sa lahat ng kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dahil dito'y ibinunsod niya sa pagkakasala ang Israel, kundi lumakad siya sa mga iyon. Ang iba sa mga gawa ni Joas, at ang lahat niyang ginawa, at ang kanyang kapangyarihan na kanyang ipinakipaglaban kay Amasias na hari ng Juda, hindi ba't ang mga iyon ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayanh ng mga Hari ng Israel? At si Joas ay namatay na kasama ng kanyang mga ninuno, at si Jeroboam ay naupo sa kanyang trono. Si Joas ay inilibing sa Samaria na kasama ng mga hari ng Israel. Nang si Eliseo ay nagkasakit ng karamdaman na kanyang ikinamatay, si Joas na hari ng Israel ay pumunta sa kanya at umiyak sa harapan niya, "Ama ko, ama ko! Ang mga karwahe ng Israel at ang kanyang mga mangangabayo!" Sinabi ni Eliseo sa kanya, "Kumuha ka ng pana at mga palaso." At siya'y kumuha ng pana at mga palaso. At sinabi niya sa hari ng Israel, "Ilagay mo ang iyong kamay sa pana"; at inilagay niya ang kanyang kamay. At inilagay ni Eliseo ang kanyang mga kamay sa mga kamay ng hari. At kanyang sinabi, "Buksan mo ang bintana sa dakong silangan"; at binuksan niya ito. Nang magkagayo'y sinabi ni Eliseo, "Panain mo;" at siya'y pumana. At kanyang sinabi, "Ang palaso ng pagtatagumpay ng PANGINOON, ang palaso ng pagtatagumpay laban sa Siria! Sapagkat lalabanan mo ang mga taga-Siria sa Afec, hanggang sa sila'y iyong malipol." Siya'y nagpatuloy, "Kunin mo ang mga palaso;" at kinuha niya ang mga iyon. At sinabi niya sa hari ng Israel, "Ipana mo ang mga iyon sa lupa; at siya'y pumana nang tatlong ulit, at tumigil. Ang tao ng Diyos ay nagalit sa kanya, at nagsabi, "Pumana ka sana nang lima o anim na ulit; nang sa gayon ay napabagsak mo sana ang Siria hanggang sa iyong malipol. Ngunit ngayo'y papanain mo ang Siria nang tatlong ulit lamang." Namatay si Eliseo at kanilang inilibing siya. Noon ang mga pulutong ng mga Moabita ay laging sumasalakay sa lupain sa panahon ng tagsibol. At habang inililibing ang isang lalaki, kanilang natanaw ang isang sumasalakay na pulutong. At ang lalaki ay naihagis sa libingan ni Eliseo; at nang sumagi ang tao sa mga buto ni Eliseo, siya'y muling nabuhay at tumayo sa kanyang mga paa. Pinahirapan naman ni Hazael na hari ng Siria ang Israel sa lahat ng mga araw ni Jehoahaz. Ngunit ang Panginoo'y naging mapagpala sa kanila at nahabag sa kanila, at siya'y bumaling sa kanila, dahil sa kanyang tipan kina Abraham, Isaac, at Jacob; at ayaw niya silang lipulin, ni palayasin man sa kanyang harapan hanggang sa ngayon. Nang namatay si Hazael na hari ng Siria, si Ben-hadad na kanyang anak ay naging hari kapalit niya. At binawi ni Jehoas na anak ni Jehoahaz sa kamay ni Ben-hadad na anak ni Hazael ang mga lunsod na kanyang kinuha sa pakikidigma mula sa kamay ni Jehoahaz, na kanyang ama. Tatlong ulit siyang tinalo ni Joas at nabawi ang mga lunsod ng Israel. Nang ikalawang taon ni Joas na anak ni Jehoahaz na hari ng Israel, si Amasias na anak ni Joas na hari ng Juda ay nagsimulang maghari. Siya'y dalawampu't limang taon nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y nagharing dalawampu't siyam na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jehoaddin na taga-Jerusalem. Siya'y gumawa ng matuwid sa paningin ng Panginoon, gayunman ay hindi gaya ni David na kanyang magulang; kanyang ginawa ang ayon sa lahat ng ginawa ni Joas na kanyang ama. Ngunit ang matataas na dako ay hindi inalis; ang taong-bayan ay nagpatuloy na nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako. Nang matatag na ang kaharian sa kanyang kamay, pinatay niya ang kanyang mga lingkod na pumatay sa kanyang amang hari. Ngunit hindi niya pinatay ang mga anak ng mga mamamatay-tao ayon sa nasusulat sa aklat ng kautusan ni Moises, gaya ng iniutos ng PANGINOON, na sinasabi, "Ang mga ama ay hindi papatayin dahil sa mga anak, o ang mga anak man ay papatayin dahil sa mga ama; kundi ang bawat tao ay mamamatay dahil sa kanyang sariling kasalanan." Siya'y pumatay ng sampung libong Edomita sa Libis ng Asin, at sinakop ang Sela nang salakayin niya ito, at tinawag itong Jokteel, na siyang pangalan nito hanggang sa araw na ito. Nang magkagayo'y nagpadala ng mga sugo si Amasias kay Jehoas na anak ni Jehoahaz na anak ni Jehu, na hari ng Israel, na sinasabi, "Halika, tayo'y magharap sa isa't isa." At si Jehoas na hari ng Israel ay nagpasabi kay Amasias na hari ng Juda, "Ang isang damo na nasa Lebanon, ay nagpasabi ng ganito sa isang sedro na nasa Lebanon, na sinasabi, 'Ibigay mo ang iyong anak na babae upang maging asawa ng aking anak;' at dumaan ang isang mabangis na hayop ng Lebanon at tinapakan ang damo. Tunay na sinaktan mo ang Edom, at pinapagmataas ka ng iyong puso. Masiyahan ka sa iyong kaluwalhatian, at manatili ka sa bahay; sapagkat bakit ka gagawa ng kaguluhan upang ikaw ay mabuwal, ikaw at ang Juda na kasama mo?" Ngunit ayaw makinig ni Amasias. Kaya't umahon si Jehoas na hari ng Israel, siya at si Amasias na hari ng Juda ay nagharap sa labanan sa Bet-shemes na sakop ng Juda. Ang Juda ay nagapi ng Israel; at bawat isa ay tumakas patungo sa kanya-kanyang tirahan. Nabihag ni Jehoas na hari ng Israel si Amasias na hari ng Juda, na anak ni Jehoas na anak ni Ahazias, sa Bet-shemes, at dumating sa Jerusalem, at ibinagsak ang pader ng Jerusalem na may habang apatnaraang siko mula sa pintuang-bayan ng Efraim hanggang sa pintuang-bayan ng Panulukan. Kanyang sinamsam ang lahat ng ginto at pilak, at ang lahat ng sisidlang matatagpuan sa bahay ng PANGINOON at sa kabang-yaman ng bahay ng hari, pati ang mga bihag, at siya'y bumalik sa Samaria. Ang iba sa mga gawa ni Jehoas na kanyang ginawa, at ang kanyang kapangyarihan, at kung paanong siya'y nakipaglaban kay Amasias na hari ng Juda, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayani ng mga Hari ng Israel? At natulog si Jehoas na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing sa Samaria na kasama ng mga hari sa Israel; at si Jeroboam na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. Si Amasias na anak ni Joas, na hari ng Juda ay nabuhay pa ng labinlimang taon pagkamatay ni Jehoas na anak ni Jehoahaz na hari ng Israel. Ang iba sa mga gawa ni Amasias, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayani ng mga Hari ng Juda? Sila'y nagsabwatan laban sa kanya sa Jerusalem, at siya'y tumakas patungong Lakish. Ngunit kanilang pinasundan siya sa Lakish at pinatay siya roon. Kanilang dinala siya na sakay ng mga kabayo, at siya'y inilibing sa Jerusalem na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David. Kinuha ng buong bayan ng Juda si Azarias na labing-anim na taong gulang, at ginawa siyang haring kapalit ng kanyang amang si Amasias. Kanyang itinayo ang Elat at isinauli ito sa Juda, pagkatapos na ang hari ay matulog na kasama ng kanyang mga ninuno. Nang ikalabinlimang taon ni Amasias na anak ni Joas na hari ng Juda, si Jeroboam na anak ni Joas, na hari ng Israel ay nagsimulang maghari sa Samaria, at siya'y nagharing apatnapu't isang taon. At gumawa siya ng masama sa paningin ng PANGINOON. Hindi niya tinalikdan ang lahat ng kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dito'y ibinunsod niya ang Israel sa pagkakasala. Kanyang ibinalik ang hangganan ng Israel mula sa pasukan ng Hamat hanggang sa dagat ng Araba, ayon sa salita ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel, na kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si propeta Jonas na anak ni Amitai, na mula sa Gat-hefer. Sapagkat nakita ng PANGINOON na ang paghihirap ng Israel ay totoong masaklap, sapagkat walang naiwan, laya man o bihag, at walang tumulong sa Israel. Ngunit hindi sinabi ng PANGINOON na kanyang papawiin ang pangalan ng Israel mula sa silong ng langit, kaya't kanyang iniligtas sila sa pamamagitan ng kamay ni Jeroboam na anak ni Joas. Ang iba sa mga gawa ni Jeroboam, at ang lahat ng kanyang ginawa, at ang kanyang kapangyarihan, kung paanong siya'y nakipagdigma, at kung paanong binawi niya para sa Israel ang Damasco at ang Hamath, na dating sakop ng Juda, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga Hari ng Israel? At si Jeroboam ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, ang mga hari ng Israel. At si Zacarias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. Nang ikadalawampu't pitong taon ni Jeroboam na hari ng Israel, si Azarias na anak ni Amasias na hari ng Juda ay nagsimulang maghari. Siya'y labing-anim na taong gulang nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari ng limampu't dalawang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jecolia na taga-Jerusalem. Siya'y gumawa ng matuwid sa mga mata ng PANGINOON, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang amang si Amasias. Gayunma'y hindi inalis ang matataas na dako; ang bayan ay patuloy na nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako. At sinaktan ng PANGINOON ang hari, at siya'y isang ketongin hanggang sa araw ng kanyang kamatayan, at siya'y tumira sa isang bukod na bahay. At si Jotam na anak ng hari ang tagapamahala ng sambahayan, na humahatol sa sambayanan ng lupain. Ang iba sa mga gawa ni Azarias, at ang lahat ng kanyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga Hari ng Juda? At si Azarias ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno. Kanilang inilibing siya na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David; si Jotam na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. Nang ikatatlumpu't walong taon ni Azarias na hari ng Juda, si Zacarias na anak ni Jeroboam ay naghari sa Israel sa Samaria sa loob ng anim na buwan. Siya'y gumawa ng masama sa paningin ng PANGINOON, gaya ng ginawa ng kanyang mga magulang. Hindi niya iniwan ang mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na nagbunsod sa Israel sa pagkakasala. At si Shallum na anak ni Jabes ay nakipagsabwatan laban sa kanya, at sinaktan siya sa harapan ng bayan at pinatay siya, at nagharing kapalit niya. Ang iba sa mga gawa ni Zacarias, ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Ito ang pangako ng PANGINOON na ibinigay niya kay Jehu, "Ang iyong mga anak sa ikaapat na salinlahi ay uupo sa trono ng Israel." At gayon nga ang nangyari. Si Shallum na anak ni Jabes ay nagsimulang maghari nang ikatatlumpu't siyam na taon ni Uzias na hari ng Juda; at siya'y naghari sa loob ng isang buwan sa Samaria. Pagkatapos si Menahem na anak ni Gadi ay umahon mula sa Tirsa at dumating sa Samaria, at kanyang sinaktan si Shallum na anak ni Jabes sa Samaria, at pinatay siya at nagharing kapalit niya. Ang iba pa sa mga gawa ni Shallum, at ang pakikipagsabwatan na kanyang ginawa, ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan' ng mga Hari ng Israel. Nang panahong iyon, ginapi ni Menahem si Tifsa at ang lahat ng naroroon, at ang mga nasasakupan nito mula sa Tirsa, sapagkat siya ay hindi nila pinagbuksan, kaya't sinakop niya ito; at biniyak niya ang tiyan ng lahat ng babaing buntis na naroroon. Nang ikatatlumpu't siyam na taon ni Azarias na hari ng Juda, nagsimulang maghari sa Israel si Menahem na anak ni Gadi, at siya ay naghari ng sampung taon sa Samaria. Kanyang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon. Siya'y hindi humiwalay sa lahat niyang mga araw sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dito'y kanyang ibinunsod ang Israel sa pagkakasala. Dumating laban sa lupain si Pul na hari ng Asiria; at binigyan ni Manahem si Pul ng isanlibong talentong pilak upang ang kanyang kamay ay mapasa kanya upang mapatatag ang kanyang kaharian sa ilalim ng kanyang pamumuno. At pinapagbayad ni Menahem ng salapi ang Israel, samakatuwid ay ang lahat ng mga makapangyarihang lalaki na mayaman, limampung siklong pilak sa bawat tao upang ibigay sa hari ng Asiria. Kaya't ang hari ng Asiria ay umurong, at hindi tumigil doon sa lupain. Ang iba sa mga gawa ni Menahem, at ang lahat niyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan' ng mga Hari ng Israel? At natulog si Menahem na kasama ng kanyang mga ninuno, at si Pekahia na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. Nang ikalimampung taon ni Azarias na hari ng Juda, nagsimulang maghari sa Israel si Pekahia, na anak ni Menahem sa Samaria, at siya ay naghari ng dalawang taon. Gumawa siya ng masama sa paningin ng PANGINOON. Hindi niya iniwan ang mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dahil dito'y kanyang ibinunsod ang Israel sa pagkakasala. At si Peka na anak ni Remalias, na kanyang punong kawal ay nakipagsabwatan laban sa kanya at sinaktan siya sa Samaria sa muog ng bahay ng hari, na kasama si Argob at si Arif at kasama niya ang limampung lalaki na mga Gileadita at kanyang pinatay siya at nagharing kapalit niya. Ang iba sa mga gawa ni Pekahia, at ang lahat niyang ginawa ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Nang ikalimampu't dalawang taon ni Azarias na hari sa Juda, nagsimulang maghari si Peka, na anak ni Remalias sa Israel sa Samaria, at siya'y naghari ng dalawampung taon. Gumawa siya ng masama sa paningin ng PANGINOON. Hindi niya tinalikdan ang mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dahil dito'y kanyang ibinunsod ang Israel sa pagkakasala. Nang mga araw ni Peka na hari ng Israel, si Tiglat-pileser na hari sa Asiria ay dumating at sinakop ang Ijon, Abel-betmaacah, Janoa, Kedes, Hazor, Gilead, at ang Galilea, ang buong lupain ng Neftali; at kanyang dinalang-bihag ang taong-bayan sa Asiria. At si Hosheas na anak ni Ela ay nakipagsabwatan laban kay Peka na anak ni Remalias, at kanyang sinaktan siya, at pinatay siya, at nagharing kapalit niya, nang ikadalawampung taon ni Jotam na anak ni Uzias. Ang iba pa sa mga gawa ni Peka, at ang lahat niyang ginawa ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan" ng mga Hari ng Israel. Nang ikalawang taon ni Peka na anak ni Remalias na hari ng Israel, si Jotam na anak ni Uzias na hari ng Juda ay nagsimulang maghari. Siya'y dalawampu't limang taon nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari ng labing-anim na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jerusha na anak ni Zadok. Siya'y gumawa ng matuwid sa mga mata ng PANGINOON, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang amang si Uzias. Gayunma'y, ang matataas na dako ay hindi inalis. Ang bayan ay patuloy na nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako. Itinayo niya ang pintuang-bayan sa itaas sa bahay ng PANGINOON. Ang iba pa sa mga gawa ni Jotam, at ang lahat niyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga Hari ng Juda? Nang mga araw na iyon, pinasimulang suguin ng PANGINOON laban sa Juda sina Rezin na hari sa Siria at si Peka na anak ni Remalias. Si Jotam ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David na kanyang ninuno. Si Ahaz na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. Nang ikalabimpitong taon ni Peka na anak ni Remalias, si Ahaz na anak ni Jotam na hari ng Juda ay nagsimulang maghari. Si Ahaz ay dalawampung taon nang siya'y magsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing-anim na taon sa Jerusalem. Hindi siya gumawa ng matuwid sa mga mata ng PANGINOON niyang Diyos, na gaya ng ginawa ni David na kanyang ninuno, sa halip siya'y lumakad sa landas ng mga hari ng Israel. Maging ang kanyang anak na lalaki ay pinaraan sa apoy, ayon sa mga karumal-dumal na kaugalian ng mga bansa na pinalayas ng PANGINOON mula sa harapan ng mga anak ni Israel. Siya'y nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako, sa mga burol, at sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy. At si Rezin na hari ng Siria at si Peka na anak ni Remalias na hari ng Israel ay umahon upang makipagdigma sa Jerusalem, at kanilang kinubkob si Ahaz ngunit siya'y hindi nila malupig. Nang panahong iyon, binawi ni Rezin na hari ng Aram ang Elat para sa Aram at pinalayas ang mga taga-Juda sa Elat. Ang mga taga-Aram ay dumating sa Elat at doon ay nanirahan sila hanggang sa araw na ito. Kaya't nagpadala si Ahaz ng mga sugo kay Tiglat-pileser na hari ng Asiria, na ipinasasabi, "Ako ay iyong lingkod at iyong anak. Umahon ka, at iligtas mo ako sa kamay ng hari ng Siria at sa kamay ng hari ng Israel na sumasalakay sa akin." Kinuha rin ni Ahaz ang pilak at ginto na natagpuan sa bahay ng PANGINOON, at sa mga kabang-yaman ng bahay ng hari at nagpadala ng kaloob sa hari ng Asiria. Pinakinggan siya ng hari ng Asiria; ang hari ng Asiria ay umahon laban sa Damasco, at sinakop ito at dinalang-bihag ang taong-bayan sa Kir; at pinatay niya si Rezin. Nang si Haring Ahaz ay pumunta sa Damasco upang makipagkita kay Tiglat-pileser na hari ng Asiria, kanyang nakita ang dambana na dating nasa Damasco. Ipinadala ni Haring Ahaz kay Urias na pari ang isang piano ng dambana at ang anyo nito, husto sa lahat ng mga bahagi nito. Itinayo ng paring si Urias ang dambana; ayon sa lahat ng ipinadala ni Haring Ahaz mula sa Damasco ay gayon ang ginawa ng paring si Urias, bago dumating si Haring Ahaz mula sa Damasco. Nang dumating ang hari mula sa Damasco, pinagmasdan ng hari ang dambana. Ang hari ay lumapit sa dambana at umakyat doon, at sinunog ang kanyang handog na sinusunog, ang kanyang handog na butil, at ibinuhos ang kanyang handog na inumin at iwinisik ang dugo ng kanyang mga handog pangkapayapaan sa ibabaw ng dambana. Ang dambanang tanso na nasa harapan ng PANGINOON ay kanyang inalis mula sa harapan ng bahay, mula sa lugar sa pagitan ng kanyang dambana at ng bahay ng PANGINOON, at inilagay sa dakong hilaga ng kanyang dambana. At inutusan ni Haring Ahaz ang paring si Urias, na sinasabi, "Sa ibabaw ng malaking dambana ay sunugin mo ang handog na sinusunog sa umaga, at ang handog na butil sa hapon, at ang handog na sinusunog ng hari at ang kanyang handog na butil, kasama ng handog na sinusunog ng lahat ng mga tao ng lupain, at ng kanilang handog na butil, at ang kanilang mga handog na inumin; at iwisik mo roon ang lahat ng dugo ng handog na sinusunog, at ang lahat ng dugo ng handog; ngunit ang dambanang tanso ay para sa akin upang doon ako'y makasangguni." Ang lahat ng ito ay ginawa ng paring si Urias, gaya ng iniutos ni Haring Ahaz. At pinutol ni Haring Ahaz ang mga balangkas ng mga patungan at inalis sa mga iyon ang hugasan. Kanyang ibinaba ang malaking tangke ng tubig mula sa mga bakang tanso na nasa ilalim niyon at ipinatong sa isang patungang bato. Ang daang natatakpan para sa Sabbath na itinayo sa loob ng bahay, at ang pasukan ng hari na nasa labas ay kanyang inalis sa bahay ng PANGINOON, dahil sa hari ng Asiria. Ang iba pa sa mga gawa ni Ahaz na kanyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga Hari ng Juda? At si Ahaz ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David. Si Hezekias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. Nang ikalabindalawang taon ni Ahaz na hari ng Juda, si Hosheas na anak ni Ela ay nagsimulang maghari sa Samaria sa Israel, at siya ay naghari sa loob ng siyam na taon. Gumawa siya ng masama sa paningin ng PANGINOON, bagaman hindi gaya ng mga hari ng Israel na nauna sa kanya. Umahon laban sa kanya si Shelmaneser na hari ng Asiria; at si Hosheas ay naging sakop niya at nagbayad sa kanya ng buwis. Subalit ang hari ng Asiria ay nakakita ng pagtataksil kay Hosheas, sapagkat siya'y nagpadala ng mga sugo kay So na hari ng Ehipto, at hindi nagbigay ng buwis sa hari ng Asiria, tulad ng kanyang ginagawa taun-taon. Kaya't kinulong siya ng hari ng Asiria at iginapos sa bilangguan. Pagkatapos ay sinalakay ng hari ng Asiria ang buong lupain at dumating sa Samaria at kinubkob ito sa loob ng tatlong taon. Nang ikasiyam na taon ni Hosheas, sinakop ng hari ng Asiria ang Samaria. Dinala niya ang mga Israelita sa Asiria, at inilagay sila sa Hala, at sa Habor, sa ilog ng Gozan, at sa mga lunsod ng mga Medo. Ito ay nangyari sapagkat ang bayang Israel ay nagkasala laban sa PANGINOON nilang Diyos, na siyang naglabas sa kanila sa lupain ng Ehipto, mula sa kamay ni Faraon na hari ng Ehipto. Sila'y natakot sa ibang mga diyos, at lumakad sa mga kaugalian ng mga bansa na pinalayas ng PANGINOON sa harapan ng mga anak ni Israel, at sa mga kaugaliang pinasimulan ng mga hari ng Israel. Ang bayang Israel ay palihim na nagsigawa ng mga bagay na hindi matuwid laban sa PANGINOON nilang Diyos. Sila'y nagtayo para sa kanila ng matataas na dako sa lahat nilang mga bayan, mula sa muog hanggang sa lunsod na may kuta. Sila'y nagtindig ng mga haligi at Ashera sa bawat mataas na burol, at sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy. Nagsunog sila doon ng insenso sa lahat ng matataas na dako, gaya ng ginawa ng mga bansang pinalayas ng PANGINOON sa harapan nila. Sila'y gumawa ng masasamang bagay na siyang ikinagalit ng PANGINOON. Sila'y naglingkod sa mga diyus-diyosan, na tungkol dito ay sinabi ng PANGINOON, "Huwag ninyong gagawin ang bagay na ito." Gayunma'y binalaan ng PANGINOON ang Israel at Juda sa pamamagitan ng bawat propeta at bawat nakakakita ng pangitain, na sinasabi, "Layuan ninyo ang inyong masasamang lakad at tuparin ninyo ang aking mga utos at mga tuntunin, ayon sa buong kautusan na aking iniutos sa inyong mga ninuno, at aking ipinadala sa inyo sa pamamagitan ng aking mga lingkod na mga propeta." Ngunit ayaw nilang makinig, kundi pinatigas ang kanilang ulo na gaya ng kanilang mga ninuno na hindi sumampalataya sa PANGINOON nilang Diyos. Kanilang itinakuwil ang kanyang mga tuntunin at ang kanyang tipan na ginawa niya sa kanilang mga ninuno, at ang mga babala na kanyang ibinigay sa kanila. Sila'y nagsisunod sa mga walang kabuluhan at naging walang kabuluhan at nagsisunod sa mga bansa na nasa palibot nila, na iniutos ng PANGINOON na huwag silang gumawa ng tulad nila. At kanilang itinakuwil ang lahat ng mga utos ng PANGINOON nilang Diyos, at gumawa para sa kanilang sarili ng mga larawang hinulma na dalawang guya, at nagsigawa ng sagradong poste, at sinamba ang hukbo ng langit, at naglingkod kay Baal. Kanilang pinaraan sa apoy ang kanilang mga anak na lalaki at babae at gumamit ng panghuhula at pangkukulam, at ipinagbili ang kanilang sarili upang gumawa ng masama sa paningin ng PANGINOON, na siyang ikinagalit niya. Kaya't ang PANGINOON ay galit na galit sa Israel, at inalis sila sa kanyang paningin. Walang naiwan maliban sa lipi ni Juda lamang. Hindi rin iningatan ng Juda ang mga utos ng PANGINOON nilang Diyos, kundi lumakad sa mga kaugaliang pinasimulan ng Israel. At itinakuwil ng PANGINOON ang lahat ng mga anak ni Israel, at pinahirapan sila at ibinigay sila sa kamay ng mga mananamsam hanggang sa kanyang mapalayas sila sa kanyang paningin. Nang kanyang maihiwalay ang Israel sa sambahayan ni David, kanilang ginawang hari si Jeroboam na anak ni Nebat. At inilayo ni Jeroboam ang Israel sa pagsunod sa PANGINOON at naging dahilan upang makagawa sila ng malaking kasalanan. At ang bayang Israel ay nagsilakad sa lahat ng kasalanan na ginawa ni Jeroboam; hindi nila hiniwalayan ang mga iyon, hanggang sa alisin ng PANGINOON ang Israel sa kanyang paningin, gaya ng kanyang sinabi sa pamamagitan ng lahat niyang lingkod na mga propeta. Kaya't ang Israel ay itinapon sa Asiria mula sa kanilang sariling lupain hanggang sa araw na ito. Ang hari ng Asiria ay nagdala ng mga tao mula sa Babilonia, Kut, Iva, Hamat, at Sefarvaim at inilagay sila sa mga bayan ng Samaria sa halip na mga mamamayan ng Israel. Kanilang inangkin ang Samaria at nanirahan sa mga lunsod nito. Sa pasimula ng kanilang paninirahan doon, hindi sila natakot sa PANGINOON kaya't ang PANGINOON ay nagsugo ng mga leon sa gitna nila at pinatay ang ilan sa kanila. Kaya't sinabi sa hari ng Asiria, "Hindi nalalaman ng mga bansa na iyong dinala at inilagay sa mga lunsod ng Samaria ang kautusan ng diyos ng lupain. Kaya't siya'y nagsugo ng mga leon sa gitna nila, at kanilang pinapatay sila sapagkat hindi nila nalalaman ang batas ng diyos sa lupain." Kaya't nag-utos ang hari ng Asiria, "Dalhin ninyo roon ang isa sa mga pari na inyong dinala mula roon. Hayaan siyang umalis at tumira roon at kanyang turuan sila ng kautusan ng diyos ng lupain." Kaya't isa sa mga pari na kanilang dinala mula sa Samaria ay dumating at nanirahan sa Bethel, at tinuruan sila kung paano dapat matakot sa PANGINOON. Ngunit bawat bansa ay gumawa pa rin ng kanilang sariling mga diyos at inilagay sa matataas na dako na ginawa ng mga Samaritano, bawat bansa sa mga lunsod na kanilang tinitirhan; ginawang mamamayan ng Babilonia ang Sucot-benot, ginawa ng mamamayan ng Kut ang Nergal, at ginawa ng mamamayan ng Hamat ang Asima. Ginawa naman ng mga Aveo ang Nibhaz at Tartac, at sinunog ng mga Sefarvita ang kanilang mga anak sa apoy sa Adramalec at sa Anamelec, na mga diyos ng Sefarvaim. Natakot din sila sa PANGINOON, at pumili sa gitna nila ng lahat ng uri ng mga tao bilang mga pari sa matataas na dako, na naghandog para sa kanila sa mga dambana ng matataas na dako. Sa gayon sila natakot sa PANGINOON, subalit naglingkod din sa kanilang sariling mga diyos, ayon sa paraan ng mga bansang pinagkunan sa kanila. Hanggang sa araw na ito ay ginagawa nila ang ayon sa mga dating kaugalian. Sila'y hindi natatakot sa PANGINOON, at hindi sila sumusunod sa mga tuntunin ni utos, ni batas ni mga kautusan na iniutos ng PANGINOON sa mga anak ni Jacob, na kanyang pinangalanang Israel. Ang PANGINOON ay nakipagtipan sa kanila at inutusan sila, "Kayo'y huwag matatakot sa ibang mga diyos, o magsisiyukod man sa kanila, o maglilingkod man sa kanila, o maghahandog man sa kanila; kundi matatakot kayo sa PANGINOON, na siyang naglabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto na may dakilang kapangyarihan at may nakaunat na kamay. Luluhod kayo sa kanya, at sa kanya kayo maghahandog. Ang mga tuntunin, mga batas, ang kautusan, at ang utos na kanyang sinulat para sa inyo ay lagi ninyong maingat na gawin. Kayo'y huwag matatakot sa ibang mga diyos, at huwag ninyong kalilimutan ang tipan na aking ginawa sa inyo. Huwag kayong matakot sa ibang mga diyos, kundi matakot kayo sa PANGINOON ninyong Diyos at kanyang ililigtas kayo sa kamay ng lahat ninyong mga kaaway." Gayunma'y ayaw nilang makinig kundi kanilang ginawa ang ayon sa kanilang dating kaugalian. Kaya't habang ang mga bansang ito ay natatakot sa PANGINOON, ay naglingkod din sila sa kanilang mga larawang inanyuan. Gayundin ang kanilang mga anak, at ang mga anak ng kanilang mga anak — kung ano ang ginawa ng kanilang mga ninuno ay gayon ang ginawa nila hanggang sa araw na ito. Nang ikatlong taon ni Hosheas na anak ni Ela na hari ng Israel, si Hezekias na anak ni Ahaz na hari ng Juda ay nagsimulang maghari. Siya ay dalawampu't limang taon nang magsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng dalawampu't siyam na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Abi na anak ni Zacarias. Siya'y gumawa ng matuwid sa paningin ng PANGINOON, ayon sa lahat ng ginawa ni David na kanyang ninuno. Kanyang inalis ang matataas na dako, winasak ang mga haligi, at ibinagsak ang mga sagradong poste. Kanyang pinagputul-putol ang ahas na tanso na ginawa ni Moises, sapagkat hanggang sa mga araw na iyon ay pinagsusunugan ito ng insenso ng mga anak ni Israel; ito ay tinawag na Nehustan. Siya'y nagtiwala sa PANGINOONG Diyos ng Israel at walang naging gaya niya sa lahat ng mga hari ng Juda pagkatapos niya o maging sa mga nauna sa kanya. Sapagkat siya'y humawak nang mahigpit sa PANGINOON; siya'y hindi humiwalay sa pagsunod sa kanya, kundi iningatan ang kanyang mga utos na iniutos ng PANGINOON kay Moises. Ang PANGINOON ay kasama niya; saanman siya magtungo ay nagtatagumpay siya. Siya'y naghimagsik laban sa hari ng Asiria, at ayaw niyang maglingkod sa kanya. Kanyang nilusob ang mga Filisteo hanggang sa Gaza at sa mga nasasakupan nito, mula sa muog-bantayan hanggang sa lunsod na may kuta. Nang ikaapat na taon ni Haring Hezekias, na siyang ikapitong taon ni Hosheas na anak ni Ela na hari ng Israel, si Shelmaneser na hari ng Asiria ay umahon laban sa Samaria at kinubkob niya iyon, at sa katapusan ng tatlong taon ay kanilang sinakop iyon. Nang ikaanim na taon ni Hezekias, na siyang ikasiyam na taon ni Hosheas na hari ng Israel, ang Samaria ay sinakop. Dinala ng hari ng Asiria ang mga Israelita sa Asiria, at inilagay sila sa Hala, at sa Habor, ang ilog ng Gozan, at sa mga lunsod ng mga Medo, sapagkat hindi nila sinunod ang tinig ng PANGINOON nilang Diyos, kundi kanilang nilabag ang kanyang tipan, maging ang lahat ng iniutos ni Moises na lingkod ng PANGINOON. Hindi sila nakinig ni sumunod. Nang ikalabing-apat na taon ni Haring Hezekias, si Senakerib na hari ng Asiria ay umahon laban sa lahat ng bayang nakukutaan ng Juda at sinakop ang mga iyon. Si Hezekias na hari ng Juda ay nagsugo sa hari ng Asiria sa Lakish, na nagsasabi, "Ako'y nagkamali; iwan mo ako. Anumang ipataw mo sa akin ay aking papasanin." At pinatawan ng hari ng Asiria si Hezekias na hari ng Juda ng tatlong-daang talentong pilak at tatlumpung talentong ginto. Ibinigay ni Hezekias sa kanya ang lahat ng pilak na natagpuan sa bahay ng PANGINOON, at sa kabang-yaman ng bahay ng hari. Nang panahong yaon ay inalis ni Hezekias ang ginto mula sa mga pintuan ng templo ng PANGINOON at mula sa mga haligi na binalutan ni Hezekias na hari ng Juda at ibinigay ito sa hari ng Asiria. Isinugo ng hari ng Asiria ang Tartan, ang Rabsaris, at ang Rabsake na may malaking hukbo mula sa Lakish patungo kay Haring Hezekias sa Jerusalem. At sila'y umahon at nakarating sa Jerusalem. Nang sila'y makarating, sila'y pumasok at tumayo sa tabi ng daluyan ng tubig ng mataas na tipunan ng tubig na nasa lansangan patungo sa Parang na Bilaran. Nang matawag na nila ang hari, lumabas sa kanila si Eliakim na anak ni Hilkias, na siyang katiwala ng bahay, at si Sebna na kalihim, at si Joah na anak ni Asaf na tagapagtala. At sinabi ng Rabsake sa kanila, "Sabihin ninyo kay Hezekias, 'Ganito ang sabi ng dakilang hari, ang hari ng Asiria: Sa ano ninyo ibinabatay ang pagtitiwala ninyong ito? Iyong sinasabi (ngunit mga salitang walang kabuluhan lamang) may payo at kalakasan sa pakikidigma. Ngayon, kanino ka nagtitiwala, na ikaw ay maghimagsik laban sa akin? Narito ngayon, ikaw ay umaasa sa Ehipto, sa baling tungkod na iyon na tutusok sa kamay ng sinumang taong sasandal doon. Gayon si Faraon na hari ng Ehipto sa lahat ng umaasa sa kanya. Ngunit kung inyong sasabihin sa akin, "Kami ay umaasa sa PANGINOON naming Diyos," hindi ba siya yaong inalisan ni Hezekias ng matataas na dako at ng mga dambana, na sinasabi sa Juda at Jerusalem, "Kayo'y sasamba sa dambanang ito sa Jerusalem?" Halika ngayon, makipagpustahan ka sa aking panginoong hari ng Asiria. Bibigyan kita ng dalawang libong kabayo, kung makakaya mong lagyan ng mga mangangabayo ang mga iyon. Paano mo maitataboy ang isang punong kawal mula sa pinakamahina sa mga lingkod ng aking panginoon, samantalang umaasa ka sa Ehipto para sa mga karwahe at mga mangangabayo? Bukod dito, ako ba'y umahon na hindi ko kasama ang PANGINOON laban sa lugar na ito upang ito'y wasakin? Sinabi ng PANGINOON sa akin, Umahon ka laban sa lupaing ito, at wasakin mo ito.' " Nang magkagayo'y sinabi ni Eliakim na anak ni Hilkias, at nina Sebna at Joah sa Rabsake, "Hinihiling ko sa iyo, magsalita ka sa iyong mga lingkod sa wikang Aramaico sapagkat naiintindihan namin iyon. Huwag kang magsalita sa amin sa wikang Juda, sa mga pandinig ng taong-bayan na nasa pader." Ngunit sinabi ng Rabsake sa kanila, "Sinugo ba ako ng aking panginoon upang sabihin ang mga salitang ito sa iyong panginoon at sa inyo, at hindi sa mga lalaking nakaupo sa pader na nakatadhanang kasama ninyo na kumain ng kanilang sariling dumi at uminom ng kanilang sariling ihi?" Pagkatapos ay tumayo ang Rabsake at sumigaw ng malakas sa wikang Juda, "Pakinggan ninyo ang salita ng dakilang hari, ang hari ng Asiria!" Ganito ang sabi ng hari, "Huwag kayong padaya kay Hezekias, sapagkat kayo'y hindi niya maililigtas sa aking kamay. Huwag ninyong hayaang pagtiwalain kayo ni Hezekias sa PANGINOON sa pagsasabing, 'Tiyak na ililigtas tayo ng PANGINOON, at ang lunsod na ito ay hindi ibibigay sa kamay ng hari ng Asiria.' Huwag kayong makinig kay Hezekias, sapagkat ganito ang sabi ng hari ng Asiria, 'Makipagpayapaan kayo sa akin at lumabas kayo sa akin; at ang bawat isa sa inyo ay kakain mula sa kanyang sariling puno ng ubas, at ang bawat isa mula sa kanyang sariling puno ng igos, at ang bawat isa sa inyo ay iinom ng tubig sa kanyang sariling balon; hanggang sa ako'y dumating at dalhin ko kayo sa isang lupaing gaya ng inyong sariling lupain, isang lupain ng trigo at ng alak, isang lupain ng tinapay at ng mga ubasan, isang lupain ng langis na olibo at ng pulot, upang kayo'y mabuhay at hindi mamatay. At huwag kayong makinig kay Hezekias kapag kayo'y ililigaw niya sa pagsasabing, 'Ililigtas tayo ng PANGINOON. Mayroon na bang sinuman sa mga diyos ng mga bansa na nakapagligtas ng lupain niya sa kamay ng hari ng Asiria? Nasaan ang mga diyos ng Hamat at Arpad? Nasaan ang mga diyos ng Sefarvaim, Hena at Iva? Nailigtas ba nila ang Samaria sa aking kamay? Sino sa lahat ng mga diyos ng mga lupain ang nakapagligtas ng kanilang lupain sa aking kamay, na anupa't ililigtas ng PANGINOON ang Jerusalem sa aking kamay?'" Ngunit ang bayan ay tahimik, at hindi siya sinagot ng kahit isang salita, sapagkat ang utos ng hari ay, "Huwag ninyo siyang sagutin." Nang magkagayon, si Eliakim na anak ni Hilkias, na katiwala ng sambahayan, si Sebna na kalihim, at si Joah na anak ni Asaf, ang tagapagtala, ay pumunta kay Hezekias na punit ang kanilang suot at sinabi sa kanya ang mga salita ng Rabsake. Nang ito'y marinig ni Haring Hezekias, pinunit niya ang kanyang mga suot, nagbalot ng damit-sako, at pumasok sa bahay ng PANGINOON. Kanyang sinugo kay propeta Isaias na anak ni Amos sina Eliakim na katiwala sa bahay, si Sebna na kalihim, at ang matatanda sa mga pari na may mga balot na damit-sako. Sinabi nila sa kanya, "Ganito ang sabi ni Hezekias, Ang araw na ito ay araw ng kabagabagan, ng pagsaway at ng kahihiyan. Ang mga bata ay dumating na sa kapanganakan, at walang lakas upang sila'y mailuwal. Marahil ay narinig ng PANGINOON mong Diyos ang lahat ng mga salita ng Rabsake, na siyang sinugo ng kanyang panginoong hari ng Asiria upang tuyain ang buhay na Diyos, at sawayin ang mga salita na narinig ng PANGINOON mong Diyos. Kaya't itaas mo ang iyong panalangin para sa nalalabing naiwan." At ang mga lingkod ni Haring Hezekias ay dumating kay Isaias, at sinabi ni Isaias sa kanila, "Sabihin ninyo sa inyong panginoon, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON, Huwag kang matakot dahil sa mga salitang narinig mo, na ipinanlait sa akin ng mga lingkod ng hari ng Asiria. Ako'y maglalagay ng isang espiritu sa kanya, at siya'y makakarinig ng bali-balita at babalik sa kanyang sariling lupain; at aking ipabubuwal siya sa pamamagitan ng tabak sa kanyang sariling lupain.'" Bumalik ang Rabsake at natagpuan ang hari ng Asiria na nakikipagdigma laban sa Libna: sapagkat nabalitaan niya na nilisan ng hari ang Lakish. Nang marinig ng hari ang tungkol kay Tirhaca na hari ng Etiopia, "Tingnan mo, siya'y lumabas upang lumaban sa iyo," siya'y muling nagpadala ng mga sugo kay Hezekias, na sinasabi, "Ganito ang inyong sasabihin kay Hezekias na hari ng Juda, 'Huwag kang padadaya sa Diyos na iyong inaasahan sa pamamagitan ng pangangako na ang Jerusalem ay hindi ibibigay sa kamay ng hari ng Asiria. Nabalitaan mo ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa lahat ng lupain, na ganap nilang winawasak. At ikaw kaya ay maililigtas? Nailigtas ba sila ng mga diyos ng mga bansa, ang mga bansang winasak ng aking mga ninuno — ang Gozan, Haran, Resef, at ang mga mamamayan ng Eden na nasa Telasar? Nasaan ang hari ng Hamat, ang hari ng Arpad, ang hari ng lunsod ng Sefarvaim, ang hari ng Hena, o ang hari ng Iva?'" Tinanggap ni Hezekias ang sulat sa kamay ng mga sugo, at binasa ito. Pagkatapos ay pumanhik si Hezekias sa bahay ng PANGINOON at iniladlad ito sa harapan ng PANGINOON. At si Hezekias ay nanalangin sa harap ng PANGINOON at nagsabi, "O PANGINOONG Diyos ng Israel na nakaupo sa itaas ng mga kerubin, ikaw ang Diyos, ikaw lamang sa lahat ng mga kaharian sa lupa; ikaw ang lumikha ng langit at lupa. Ikiling mo ang iyong pandinig, O PANGINOON, at iyong pakinggan at imulat mo ang iyong mga mata, O PANGINOON. Tumingin ka at pakinggan mo ang mga salita ni Senakerib, na kanyang isinugo upang kutyain ang buhay na Diyos. Sa katotohanan, PANGINOON, winasak ng mga hari ng Asiria ang mga bansa at ang kanilang mga lupain, at inihagis ang kanilang mga diyos sa apoy, sapagkat sila'y hindi mga diyos, kundi gawa ng mga kamay ng mga tao, mga kahoy at bato; kaya't sila'y winasak. Ngayon nga, O PANGINOON naming Diyos, iligtas mo kami sa kanyang mga kamay, isinasamo ko sa iyo, upang makilala ng lahat ng mga kaharian sa lupa na ikaw, PANGINOON, ang tanging Diyos." Pagkatapos ay nagsugo si Isaias na anak ni Amos kay Hezekias, na nagsasabi, "Ganito ang sabi ng PANGINOONG Diyos ng Israel, sapagkat ikaw ay nanalangin sa akin tungkol kay Senakerib na hari ng Asiria, ikaw ay aking pinakinggan. Ito ang salita na sinabi ng PANGINOON tungkol sa kanya: "Hinahamak ka niya, kinukutya ka niya — ikaw na anak na babaing birhen ng Zion; iniiling niya ang kanyang ulo sa likuran mo — ikaw na anak na babae ng Jerusalem. "Sino ang iyong hinamak at kinutya? Laban kanino mo itinaas ang iyong tinig at may kapalaluang itinaas ang iyong mga mata? Laban sa Banal ng Israel! Sa pamamagitan ng iyong mga sugo ay kinutya mo ang Panginoon, at iyong sinabi, 'Sa pamamagitan ng marami kong mga karwahe ako'y nakaahon sa kaitaasan ng mga bundok, hanggang sa kasuluksulukan ng Lebanon. Ibinuwal ko ang kanyang pinakamataas na sedro, ang kanyang mga piling puno ng cipres; pinasok ko ang kanyang pinakamalayong tuluyan, at ang kanyang pinakamasukal na gubat. Ako'y humukay ng balon at uminom ng ibang tubig at pinatuyo ng talampakan ng aking paa ang lahat ng ilog sa Ehipto.' "Hindi mo ba narinig na iyon ay matagal ko nang naipasiya? Binalak ko nang nakaraang mga araw ang ngayon ay aking pinapangyayari, na mga lunsod na may kuta ay gagawin mong mga bunton ng guho, samantalang ang kanilang mga mamamayan ay naubusan ng lakas, lupaypay at nalilito, at naging gaya ng mga halaman sa bukid, at gaya ng luntiang gulayin, gaya ng damo sa mga bubungan, na lanta na bago ito lumago? "Ngunit nalalaman ko ang iyong pag-upo at ang iyong paglabas at pagpasok, at ang iyong pagkagalit laban sa akin. Sapagkat ikaw ay nagalit laban sa akin at ang iyong pagmamataas ay nakarating sa aking mga tainga, ilalagay ko ang aking kawit sa iyong ilong, at ang aking busal sa iyong bibig, at ibabalik kita sa daang pinanggalingan mo. "At ito ang magiging tanda para sa iyo: sa taong ito ikaw ay kakain ng tumutubo sa kanyang sarili, at sa ikalawang taon ay ang tumubo roon; at sa ikatlong taon ay maghahasik kayo, at aani, at magtatanim ng ubasan, at kakainin ninyo ang kanilang bunga. Ang naiwang ligtas sa sambahayan ni Juda ay muling mag-uugat pailalim at magbubunga pataas; sapagkat mula sa Jerusalem ay lalabas ang isang nalabi, at sa bundok ng Zion ay isang pangkat ng naiwan. Ang sigasig ng PANGINOON ang gagawa nito. "Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON tungkol sa hari ng Asiria. Siya'y hindi papasok sa lunsod na ito, o papana man ng palaso doon, o darating sa unahan na may kalasag, o maglalagay man ng bunton laban doon. Sa daang kanyang pinanggalingan, doon din siya babalik, at hindi siya papasok sa lunsod na ito, sabi ng PANGINOON. Sapagkat ipagtatanggol ko ang lunsod na ito upang iligtas ito, alang-alang sa akin at sa aking lingkod na si David." Nang gabing iyon ang anghel ng PANGINOON ay lumabas at pumatay ng isandaan at walumpu't limang libo sa kampo ng mga taga-Asiria. At nang ang mga tao'y maagang bumangon kinaumagahan, narito, silang lahat ay mga bangkay. Pagkatapos ay umalis si Senakerib na hari ng Asiria, at umuwi at nanirahan sa Ninive. Habang siya'y sumasamba sa bahay ni Nisroc na kanyang diyos, pinatay siya ng tabak ng kanyang mga anak na sina Adramalec at Sharezer; at sila'y tumakas patungo sa lupain ng Ararat. Si Esar-hadon na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. Nang mga araw na iyon, nagkasakit si Hezekias at malapit nang mamatay. Si propeta Isaias na anak ni Amos ay pumaroon sa kanya, at sinabi sa kanya, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, 'Ayusin mo ang iyong sambahayan; sapagkat ikaw ay mamamatay na, hindi ka na mabubuhay.'" Nang magkagayo'y iniharap ni Hezekias ang kanyang mukha sa dingding at nanalangin sa PANGINOON na sinasabi, "Alalahanin mo ngayon, O PANGINOON, idinadalangin ko sa iyo, kung paanong ako'y lumakad sa harapan mo sa katapatan, at nang buong puso at gumawa ng mabuti sa iyong paningin." At si Hezekias ay umiyak nang mapait. At bago nakalabas si Isaias sa gitnang bulwagan, dumating ang salita ng PANGINOON sa kanya na sinasabi; "Bumalik ka, at sabihin mo kay Hezekias na pinuno ng aking bayan, Ganito ang sabi ng PANGINOON, ang Diyos ni David na iyong ninuno: Narinig ko ang iyong panalangin, nakita ko ang iyong mga luha; pagagalingin kita. Sa ikatlong araw ay aakyat ka sa bahay ng PANGINOON. Dadagdagan ko ng labinlimang taon ang iyong buhay. Ililigtas ko ikaw at ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria at aking ipagtatanggol ang lunsod na ito alang-alang sa akin at sa aking lingkod na si David." At sinabi ni Isaias, "Magdala kayo ng binilong igos. At kumuha sila at itinapal ito sa bukol upang siya'y gumaling." Sinabi ni Hezekias kay Isaias, "Ano ang magiging tanda na ako'y pagagalingin ng PANGINOON, at ako'y aakyat sa bahay ng PANGINOON sa ikatlong araw?" At sinabi ni Isaias, "Ito ang tanda sa iyo mula sa PANGINOON, na gagawin ng PANGINOON ang bagay na kanyang ipinangako: susulong ba ang anino ng sampung hakbang, o babalik ng sampung hakbang?" Sumagot si Hezekias, "Isang madaling bagay sa anino na pasulungin ng sampung hakbang; sa halip, pabalikin ang anino ng sampung hakbang." Si Isaias na propeta ay nanalangin sa PANGINOON; at kanyang pinabalik ang anino ng sampung hakbang, na nakababa na sa orasang-araw ni Ahaz. Nang panahong iyon, si Merodac-baladan na anak ni Baladan, na hari ng Babilonia, ay nagpadala ng mga sugo na may mga sulat at kaloob kay Hezekias, sapagkat kanyang nabalitaan na si Hezekias ay nagkasakit. Sila'y tinanggap ni Hezekias at ipinakita sa kanila ang lahat ng kayamanan ng kanyang bahay, ang pilak, ginto, mga pabango, at mamahaling langis, ang kanyang taguan ng mga sandata, at ang lahat ng matatagpuan sa kanyang bodega. Walang anuman sa kanyang bahay o sa kanyang nasasakupan na hindi ipinakita sa kanila ni Hezekias. Nang magkagayo'y pumaroon si propeta Isaias kay Haring Hezekias, at sinabi sa kanya, "Anong sinabi ng mga lalaking ito? At saan sila galing sa pagtungo sa iyo?" At sinabi ni Hezekias, "Sila'y galing sa malayong lupain, mula sa Babilonia." Kanyang sinabi, "Anong nakita nila sa iyong bahay?" At sumagot si Hezekias, "Kanilang nakita ang lahat ng nasa aking bahay. Walang anumang bagay na nasa aking mga bodega ang hindi ko ipinakita sa kanila." At sinabi ni Isaias kay Hezekias, "Pakinggan mo ang salita ng PANGINOON: Ang mga araw ay dumarating na ang lahat ng nasa iyong bahay at ang inimbak ng iyong mga ninuno hanggang sa araw na ito ay tatangayin na patungo sa Babilonia; walang maiiwan, sabi ng PANGINOON. At ilan sa iyong mga anak na lalaki na mula sa iyo na ipapanganak ay kukunin; at sila'y magiging mga eunuko sa bahay ng hari ng Babilonia." Nang magkagayo'y sinabi ni Hezekias kay Isaias, "Mabuti ang salita ng PANGINOON na iyong sinabi." Sapagkat kanyang inakala, "Bakit hindi, kung magkakaroon naman ng kapayapaan at kapanatagan sa aking mga araw?" Ang iba pa sa mga gawa ni Hezekias, at ang lahat niyang kapangyarihan, at kung paano niya ginawa ang tipunan ng tubig at ang padaluyan, at nagdala ng tubig sa lunsod, hindi ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga Hari ng Juda? Natulog si Hezekias na kasama ng kanyang mga ninuno; at si Manases na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. Si Manases ay labindalawang taon nang magsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng limampu't limang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Hefziba. Siya'y gumawa ng masama sa paningin ng PANGINOON, ayon sa mga karumaldumal na gawain ng mga bansang pinalayas ng PANGINOON sa harapan ng mga anak ni Israel. Sapagkat kanyang muling itinayo ang matataas na dako na winasak ni Hezekias na kanyang ama; siya'y nagtayo ng mga dambana para kay Baal, gumawa ng sagradong poste, gaya ng ginawa ni Ahab na hari ng Israel, at sinamba ang lahat ng hukbo sa langit, at naglingkod sa kanila. Siya'y nagtayo ng mga dambana sa bahay ng PANGINOON, na tungkol doon ay sinabi ng PANGINOON, "Sa Jerusalem ay ilalagay ko ang aking pangalan." At siya'y nagtayo ng mga dambana para sa lahat ng hukbo ng langit sa dalawang bulwagan ng bahay ng PANGINOON. At kanyang pinaraan sa apoy ang kanyang anak na lalaki. Siya'y gumamit ng panghuhula at salamangka, at sumangguni sa masamang espiritu, at sa mga mangkukulam. Siya'y gumawa ng maraming kasamaan sa paningin ng PANGINOON, na kanyang ikinagalit. Ang larawang inanyuan ni Ashera na kanyang ginawa ay inilagay niya sa bahay na tungkol doon ay sinabi ng PANGINOON kay David at kay Solomon na kanyang anak, "Sa bahay na ito, at sa Jerusalem, na aking pinili sa lahat ng lipi ng Israel, ay ilalagay ko ang aking pangalan magpakailanman; hindi ko na papagalain pa ang mga paa ng Israel sa labas ng lupain na aking ibinigay sa kanilang mga ninuno, kung kanila lamang maingat na tutuparin ang ayon sa lahat ng iniutos ko sa kanila, at ayon sa buong kautusan na iniutos sa kanila ng aking lingkod na si Moises." Ngunit hindi sila nakinig; at inakit sila ni Manases na gumawa ng higit pang masama kaysa ginawa ng mga bansang pinuksa ng PANGINOON sa harapan ng mga anak ni Israel. At ang PANGINOON ay nagsalita sa pamamagitan ng kanyang mga lingkod na mga propeta, na sinasabi, "Sapagkat ginawa ni Manases na hari ng Juda ang mga karumaldumal na ito, at gumawa ng kasamaang higit kaysa lahat ng ginawa ng mga Amoreo, na nauna sa kanya, at ibinunsod niya ang Juda sa pagkakasala sa pamamagitan ng kanyang mga diyus- diyosan; kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel, Aking dadalhin sa Jerusalem at Juda ang ganoong kasamaan na anupa't ang tainga ng bawat makakarinig nito ay mangingilabot. Aking paaabutin sa Jerusalem ang pising panukat ng Samaria, at ang panghulog ng bahay ni Ahab. Aking pupunasan ang Jerusalem gaya ng pagpupunas ng isang tao sa isang pinggan, na pinupunasan iyon at itinataob. Aking iiwan ang nalabi sa aking pamana, at ibibigay ko sa kamay ng kanilang mga kaaway. Sila'y magiging bihag at samsam sa lahat nilang mga kaaway, sapagkat gumawa sila ng kasamaan sa aking paningin at ginalit nila ako, mula nang araw na ang kanilang mga ninuno ay magsilabas sa Ehipto, hanggang sa araw na ito." Bukod dito, si Manases ay nagpadanak ng napakaraming dugong walang sala, hanggang sa kanyang napuno ang Jerusalem mula sa isang dulo hanggang sa kabila, bukod sa kasalanang ibinunsod niyang gawin ng Juda. Kaya't sila'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng PANGINOON. Ang iba pa sa mga gawa ni Manases, at ang lahat niyang ginawa, at ang kasalanang kanyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga Hari ng Juda? Si Manases ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing sa halamanan ng kanyang bahay, sa halamanan ng Uza; at si Amon na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. Si Amon ay dalawampu't dalawang taon nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng dalawang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Mesullemeth na anak ni Haruz na taga-Jotba. Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng PANGINOON, gaya ng ginawa ni Manases na kanyang ama. At siya'y lumakad sa lahat ng landas na nilakaran ng kanyang ama, at naglingkod sa mga diyus-diyosan na pinaglingkuran ng kanyang ama, at sinamba niya ang mga iyon. Kanyang tinalikuran ang PANGINOON, ang Diyos ng kanyang mga ninuno, at hindi lumakad sa daan ng PANGINOON. At ang mga lingkod ni Amon ay nagsabwatan laban sa kanya, at pinatay ang hari sa kanyang bahay. Ngunit pinatay ng mga mamamayan ng lupain ang lahat ng mga nagsabwatan laban kay Haring Amon; at ginawang hari ng mga mamamayan ng lupain si Josias na kanyang anak bilang kahalili niya. Ang iba pa sa mga gawa ni Amon na kanyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayant ng mga Hari ng Juda? At siya'y inilibing sa kanyang libingan sa halamanan ng Uza; at si Josias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. Si Josias ay walong taong gulang nang magsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng tatlumpu't isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Idida na anak ni Adaya na taga Boscat. Siya'y gumawa ng kabutihan sa mga mata ng PANGINOON, at lumakad sa lahat ng daan ni David na kanyang ninuno, at hindi siya lumiko sa kanan o sa kaliwa. Nang ikalabingwalong taon ni Haring Josias, sinugo ng hari si Safan na anak ni Azalia, na anak ni Mesulam, na kalihim sa bahay ng PANGINOON, na sinasabi, "Pumunta ka kay Hilkias na pinakapunong pari, upang kanyang matimbang ang salapi na ipinasok sa bahay ng PANGINOON na nilikom mula sa bayan ng mga bantay-pinto; at ibigay iyon sa kamay ng mga manggagawa na silang nangangasiwa sa bahay ng PANGINOON. Ibibigay naman nila iyon sa mga manggagawa na nasa bahay ng PANGINOON, na nag-aayos ng bahay, samakatuwid ay sa mga karpintero, mga tagapagtayo, mga kantero, at gayundin para sa pagbili ng kahoy at ng batong tinibag upang ayusin ang mga sira ng bahay. Gayunma'y walang ulat ng nagugol ang hihingin sa kanila mula sa salaping ibinigay sa kanilang kamay, sapagkat sila'y tapat makitungo." At sinabi ni Hilkias na pinakapunong pari kay Safan na kalihim, "Aking natagpuan ang aklat ng kautusan sa bahay ng PANGINOON." At ibinigay ni Hilkias ang aklat kay Safan, at binasa niya ito. Si Safan na kalihim ay pumaroon sa hari, at iniulat sa hari, na sinasabi, "Inilabas na ng iyong mga lingkod ang salaping natagpuan sa bahay, at ibinigay na sa kamay ng mga manggagawa na nangangasiwa sa bahay ng PANGINOON." Sinabi ni Safan na kalihim sa hari, na sinasabi, "Si Hilkias na pari ay nagbigay sa akin ng isang aklat." At ito ay binasa ni Safan sa harapan ng hari. Nang marinig ng hari ang mga salita ng aklat ng kautusan, kanyang pinunit ang kanyang kasuotan. At ang hari ay nag-utos ng ganito kay Hilkias na pari, kay Ahicam na anak ni Safan, kay Acbor na anak ni Micaya, kay Safan na kalihim, at kay Asaya na lingkod ng hari, na sinasabi, "Humayo kayo at sumangguni sa PANGINOON para sa akin sa bayan, at para sa buong Juda tungkol sa mga salita ng aklat na ito na natagpuan. Malaki ang poot ng PANGINOON na nag-aalab laban sa atin, sapagkat hindi sinunod ng ating mga ninuno ang mga salita ng aklat na ito, upang gawin ang ayon sa lahat ng nasusulat tungkol sa atin." Kaya't sina Hilkias na pari, Ahicam, Acbor, Safan, at si Asaya, ay nagsiparoon kay Hulda na babaing propeta, na asawa ni Shallum, na anak ni Ticvah, na anak ni Haras, na katiwala ng mga kasuotan (siya nga'y tumira sa Jerusalem sa ikalawang bahagi;) at sila'y nakipag-usap sa kanya. At sinabi niya sa kanila, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel: 'Sabihin ninyo sa lalaking nagsugo sa inyo sa akin, Ganito ang sabi ng PANGINOON, Ako'y magdadala ng kasamaan sa dakong ito at sa mamamayan nito, ang lahat ng salita ng aklat na nabasa ng hari ng Juda. Sapagkat kanilang tinalikuran ako, at nagsunog ng insenso sa ibang mga diyos, upang ako'y galitin nila sa pamamagitan ng lahat ng gawa ng kanilang mga kamay. Kaya't ang aking poot ay mag-aalab sa dakong ito, at ito'y hindi mapapatay. Ngunit tungkol sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo upang sumangguni sa PANGINOON, ganito ang sasabihin ninyo sa kanya, Ganito ang sabi ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel: Tungkol sa mga salita na iyong narinig, sapagkat ang iyong puso ay malumanay, at ikaw ay nagpakumbaba sa harapan ng PANGINOON, nang iyong marinig kung paanong ako'y nagsalita laban sa dakong ito, at laban sa mamamayan nito, na sila'y magiging kapanglawan at sumpa, at pinunit mo ang iyong kasuotan at umiyak ka sa harapan ko, narinig din kita, sabi ng PANGINOON. Kaya't narito, titipunin kita sa iyong mga ninuno, at ikaw ay payapang malalagay sa iyong libingan, at hindi makikita ng iyong mga mata ang lahat ng kasamaan na aking dadalhin sa dakong ito.'" At kanilang dinala ang kasagutan sa hari. Pagkatapos ang hari ay nagsugo, at tinipon niya ang lahat ng matatanda ng Juda at Jerusalem. At pumunta ang hari sa bahay ng PANGINOON, kasama ang lahat na lalaki ng Juda at ang lahat ng mamamayan ng Jerusalem, mga pari, mga propeta, at ang buong bayan, hamak at dakila. Kanyang binasa sa kanilang mga pandinig ang lahat ng salita ng aklat ng tipan na natagpuan sa bahay ng PANGINOON. Ang hari ay tumayo sa tabi ng haligi, at nakipagtipan sa harap ng PANGINOON, upang lumakad ng ayon sa PANGINOON at upang ingatan ang kanyang mga utos at ang kanyang mga patotoo, at ang kanyang mga tuntunin, ng kanyang buong puso at buong kaluluwa, upang tuparin ang mga salita ng tipang ito na nasusulat sa aklat na ito; at ang buong bayan ay nakiisa sa tipan. Inutusan ng hari si Hilkias na pinakapunong pari, at ang mga pari sa ikalawang hanay, at ang mga bantay-pinto, upang ilabas sa templo ng PANGINOON ang lahat ng kasangkapang ginawa para kay Baal at sa mga Ashera, at para sa lahat ng hukbo ng langit. Kanyang sinunog ang mga iyon sa labas ng Jerusalem sa kaparangan ng Cedron, at dinala ang mga abo niyon sa Bethel. Kanyang tinanggal ang mga paring sumasamba sa mga diyus-diyosan na itinalaga ng mga hari ng Juda na magsunog ng insenso sa matataas na dako sa mga lunsod ng Juda at sa mga palibot ng Jerusalem; gayundin yaong mga nagsunog ng insenso kay Baal, sa araw, sa buwan, sa mga tala, at sa lahat ng hukbo sa mga langit. At kanyang inilabas ang Ashera mula sa bahay ng PANGINOON, sa labas ng Jerusalem, sa batis ng Cedron, sinunog ito sa batis ng Cedron, at dinurog at inihagis ang alabok nito sa libingan ng mga karaniwang tao. Kanyang giniba ang mga bahay ng mga lalaking nagbibili ng aliw na nasa bahay ng PANGINOON, na pinagtatahian ng mga babae ng tabing para sa Ashera. Kanyang inilabas ang lahat ng mga pari mula sa mga lunsod ng Juda, at nilapastangan ang matataas na dako na pinagsusunugan ng insenso ng mga pari, mula sa Geba hanggang sa Beer-seba. At kanyang ibinagsak ang matataas na dako ng mga pintuang-bayan na nasa pasukan ng pintuang-bayan ni Josue, na tagapamahala ng lunsod, na nasa kaliwa ng pasukan sa pintuan ng lunsod. Gayunma'y ang mga pari sa matataas na dako ay hindi umahon sa dambana ng PANGINOON sa Jerusalem, kundi sila'y kumain ng tinapay na walang pampaalsa kasama ng kanilang mga kapatid. Kanyang nilapastangan ang Tofet, na nasa libis ng mga anak ni Hinom, upang hindi paraanin sa apoy para kay Molec ang sinuman ng kanyang anak na lalaki o babae. Kanyang inalis ang mga kabayo na itinalaga ng hari ng Juda sa araw, na nasa pasukan ng bahay ng PANGINOON, sa tabi ng silid ni Natan-melec na eunuko, na nasa looban; at sinunog niya sa apoy ang mga karwahe ng araw. Ang mga dambana na nasa bubungan ng silid sa itaas ni Ahaz, na ginawa ng mga hari ng Juda, at ang mga dambana na ginawa ni Manases sa dalawang bulwagan ng bahay ng PANGINOON ay kanyang pinabagsak, dinurog, at inihagis ang alabok ng mga iyon sa batis ng Cedron. Nilapastangan ng hari ang matataas na dako na nasa silangan ng Jerusalem, hanggang sa timog ng Bundok ng Kasiraan, na itinayo ng Haring Solomon para kay Astarte na karumaldumal ng mga Sidonio, at kay Cemos na karumaldumal ng Moab, at kay Malcom na karumaldumal ng mga anak ni Ammon. At kanyang pinagputul-putol ang mga haligi, at pinutol ang mga sagradong poste," at pinuno ang kanilang mga kinatatayuan ng mga buto ng tao. Bukod dito, ang dambana na nasa Bethel at matataas na dako na itinayo ni Jeroboam na anak ni Nebat, na nagbunsod sa Israel sa pagkakasala, ang dambanang iyon at ang matataas na dako ay kanyang ibinagsak at kanyang dinurog ang mga bato nito; sinunog din niya ang sagradong poste. Sa pagpihit ni Josias, kanyang natanaw ang mga libingang nasa bundok. Siya'y nagsugo at inilabas ang mga buto sa mga libingan, at sinunog ang mga iyon sa dambana, at nilapastangan ito, ayon sa salita ng PANGINOON na ipinahayag ng tao ng Diyos na siyang humula ng mga bagay na ito. Pagkatapos ay kanyang sinabi, "Ano yaong bantayog na nakikita ko roon?" Sinabi ng mga lalaki ng lunsod sa kanya, "Iyon ay libingan ng tao ng Diyos na nanggaling sa Juda at humula ng mga bagay na ito na iyong ginawa laban sa dambana sa Bethel." Kanyang sinabi, "Hayaan ninyo; huwag galawin ng sinuman ang mga buto niya." Kaya't hinayaan nila ang mga buto niya, kasama ng mga buto ng propeta na nanggaling sa Samaria. At ang lahat din ng mga dambana sa matataas na dako na nasa mga lunsod ng Samaria, na ginawa ng mga hari ng Israel upang galitin ang PANGINOON, ay pinag-aalis ni Josias; at ginawa sa mga yaon ang ayon sa lahat ng kanyang ginawa sa Bethel. Kanyang pinatay sa ibabaw ng dambana ang lahat ng pari sa matataas na dako na naroroon, at sinunog ang mga buto ng mga tao sa mga iyon. Pagkatapos siya'y bumalik sa Jerusalem. At iniutos ng hari sa buong bayan, "Ipagdiwang ninyo ang paskuwa sa PANGINOON ninyong Diyos, gaya ng nasusulat sa aklat na ito ng tipan." Walang gayong paskuwa ang ipinagdiwang mula sa mga araw ng mga hukom na naghukom sa Israel, o sa panahon ng lahat ng mga araw ng mga hari ng Israel o ng mga hari man ng Juda; ngunit nang ikalabingwalong taon ni Haring Josias, ipinangilin sa Jerusalem ang paskuwang ito sa PANGINOON. Bukod dito'y pinag-aalis ni Josias ang mga sumasangguni sa masamang espiritu at ang mga mangkukulam, ang mga terafim ang mga diyus-diyosan, at ang lahat ng karumaldumal na nakita sa lupain ng Juda at Jerusalem, upang kanyang matupad ang mga salita ng kautusan na nasusulat sa aklat na natagpuan ng paring si Hilkias sa bahay ng PANGINOON. Sa mga haring nauna sa kanya ay walang naging gaya niya na bumalik sa PANGINOON ng kanyang buong puso, buong kaluluwa, at buong lakas niya ayon sa lahat ng kautusan ni Moises, ni may lumitaw mang gaya niya pagkamatay niya. Gayunma'y hindi tinalikuran ng PANGINOON ang bagsik ng kanyang malaking pagkapoot laban sa Juda, dahil sa lahat ng panggagalit na ipinanggalit ni Manases sa kanya. At sinabi ng PANGINOON, "Aalisin ko rin ang Juda sa aking paningin, gaya ng pag-aalis ko sa Israel, at aking itatakuwil ang lunsod na ito na aking pinili, ang Jerusalem, at ang bahay na dito ay aking sinabi, Ang pangalan ko'y doroon." Ang iba pa sa mga gawa ni Josias, at ang lahat ng kanyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga Hari ng Juda? Nang mga araw niya, si Faraon-neco na hari ng Ehipto ay umahon laban sa hari ng Asiria sa Ilog Eufrates. Si Haring Josias ay pumaroon laban sa kanya; at pinatay siya ni Faraon-neco sa Megido, nang kanyang makita siya. Dinala siyang patay ng kanyang mga lingkod sa isang karwahe mula sa Megido, dinala siya sa Jerusalem, at inilibing siya sa kanyang sariling libingan. At kinuha ng mga tao ng lupain si Jehoahaz na anak ni Josias, binuhusan siya ng langis, at ginawa siyang hari na kapalit ng kanyang ama. Si Jehoahaz ay dalawampu't tatlong taon nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng tatlong buwan sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna. Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng PANGINOON, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang mga magulang. Ibinilanggo siya ni Faraon-neco sa Ribla sa lupain ng Hamat, upang siya'y hindi makapaghari sa Jerusalem; at pinapagbuwis ang lupain ng isandaang talentong pilak at isang talentong ginto. At ginawa ni Faraon-neco si Eliakim na anak ni Josias bilang haring kapalit ni Josias, na kanyang ama, at pinalitan ang kanyang pangalan ng Jehoiakim. Ngunit kanyang dinala si Jehoahaz at siya'y dumating sa Ehipto at namatay doon. Ibinigay ni Jehoiakim ang pilak at ang ginto kay Faraon; ngunit kanyang pinapagbuwis ang lupain upang ibigay ang salapi ayon sa utos ni Faraon. Kanyang siningilan ng pilak at ginto ang taong-bayan ng lupain, sa bawat isa ayon sa kanyang paghahalaga, upang ibigay kay Faraon-neco. Si Jehoiakim ay dalawampu't limang taon nang magsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing-isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Zebida na anak ni Pedaya na taga-Ruma. Siya'y gumawa ng masama sa paningin ng PANGINOON, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang mga ninuno. Nang kanyang kapanahunan, dumating si Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at si Jehoiakim ay naging kanyang alipin sa loob ng tatlong taon; pagkatapos ay bumalik siya at naghimagsik laban sa kanya. Ang PANGINOON ay nagsugo laban sa kanya ng mga pulutong ng mga Caldeo, mga pulutong ng mga taga-Siria, ng mga Moabita, at ng mga anak ni Ammon, at sinugo sila laban sa Juda upang lipulin ito, ayon sa salita ng PANGINOON na kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang mga lingkod na mga propeta. Tunay na ito ay dumating sa Juda ayon sa utos ng PANGINOON, upang alisin sila sa kanyang paningin, dahil sa mga kasalanan ni Manases, ayon sa lahat niyang ginawa, at gayundin dahil sa walang salang dugo na kanyang pinadanak, sapagkat kanyang pinuno ang Jerusalem ng walang salang dugo, at ang PANGINOON ay ayaw magpatawad. Ang iba pa sa mga gawa ni Jehoiakim, at ang lahat niyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga Hari ng Juda? Kaya't natulog si Jehoiakim na kasama ng kanyang mga ninuno, at si Jehoiakin na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. Ang hari ng Ehipto ay hindi na bumalik pa mula sa kanyang lupain, sapagkat sinakop ng hari ng Babilonia ang lahat ng pag-aari ng hari ng Ehipto mula sa batis ng Ehipto hanggang sa Ilog Eufrates. Si Jehoiakin ay labingwalong taon nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari sa Jerusalem sa loob ng tatlong buwan. Ang pangalan ng kanyang ina ay Nehusta na anak na babae ni Elnatan na taga-Jerusalem. Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng PANGINOON, gaya ng lahat ng ginawa ng kanyang ama. Nang panahong iyon ang mga lingkod ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia ay nagsiahon sa Jerusalem, at ang lunsod ay kinubkob. Si Haring Nebukadnezar ng Babilonia ay dumating sa lunsod, habang kinukubkob ito ng kanyang mga lingkod. Nilabas ni Jehoiakin na hari sa Juda ang hari ng Babilonia, siya, ang kanyang ina, mga lingkod, ang mga prinsipe, at ang mga pinuno ng kanyang palasyo. Kinuha siya ng hari ng Babilonia bilang bihag sa ikawalong taon ng kanyang pag-hahari. Tinangay ang lahat ng kayamanan sa bahay ng PANGINOON, at ang mga kayamanan sa bahay ng hari, at pinagputul-putol ang lahat ng sisidlang ginto na ginawa ni Haring Solomon sa templo ng PANGINOON, gaya ng sinabi nang una ng PANGINOON. Kanyang tinangay ang buong Jerusalem, ang lahat ng pinuno, mga magigiting na mandirigma, sampung libong bihag, at ang lahat ng manggagawa at mga panday; walang nalabi maliban sa mga pinakadukha sa mamamayan ng lupain. Dinala niya si Jehoiakin sa Babilonia; ang ina ng hari, at mga asawa ng hari, at ang kanyang mga pinuno at pangunahing lalaki sa lupain ay dinala niyang bihag mula sa Jerusalem patungo sa Babilonia. Dinalang-bihag sa Babilonia ng hari ng Babilonia ang lahat ng mandirigma na may bilang na pitong libo, at ang mga manggagawa at ang mga panday ay isanlibo, lahat sila ay malakas at angkop sa pakikidigma. Ginawa ng hari ng Babilonia na hari si Matanias, tiyuhin ni Jehoiakin bilang haring kapalit niya, at pinalitan ang kanyang pangalan ng Zedekias. Si Zedekias ay dalawampu't isang taon nang magsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing-isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna. Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng PANGINOON, ayon sa lahat ng ginawa ni Jehoiakin. Sapagkat dahil sa galit ng PANGINOON ay nangyari sa Jerusalem at sa Juda na sila ay kanyang itinaboy sa kanyang harapan. At si Zedekias ay naghimagsik sa hari ng Babilonia. Sa ikasiyam na taon ng kanyang paghahari, sa ikasampung araw ng ikasampung buwan, si Nebukadnezar na hari ng Babilonia ay dumating kasama ang lahat niyang hukbo laban sa Jerusalem, at kinubkob ito; at nagtayo sila ng mga kutang pagkubkob sa palibot nito. Kaya't nakubkob ang lunsod hanggang sa ikalabing-isang taon ni Haring Zedekias. Nang ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan, ang taggutom ay napakatindi sa lunsod, anupa't walang pagkain para sa mamamayan ng lupain. Nang magkagayo'y gumawa ng isang butas sa lunsod; ang hari kasama ang lahat ng lalaking mandirigma ay tumakas sa gabi sa daan ng pintuang-bayan sa pagitan ng dalawang pader na nasa tabi ng halamanan ng hari, bagaman ang mga Caldeo ay nasa palibot ng lunsod. At sila ay humayo sa daang patungo sa Araba. Ngunit hinabol ng hukbo ng mga Caldeo ang hari, at kanilang inabutan siya sa mga kapatagan ng Jerico at ang lahat niyang hukbo ay nangalat atin iwan siya. Dinakip nila ang hari at kanilang dinala siya sa hari ng Babilonia sa Ribla na naggawad ng hatol sa kanya. Kanilang pinatay ang mga anak ni Zedekias sa kanyang harapan at dinukit ang mga mata ni Zedekias at siya'y ginapos ng tanikala at dinala sa Babilonia. Nang ikapitong araw ng ikalimang buwan, na siyang ikalabinsiyam na taon ni Haring Nebukadnezar, na hari ng Babilonia, si Nebuzaradan na punong kawal ng bantay, na lingkod ng hari ng Babilonia ay dumating sa Jerusalem. Kanyang sinunog ang bahay ng PANGINOON, ang bahay ng hari, at ang lahat ng mga bahay sa Jerusalem; bawat malaking bahay ay sinunog niya. Ibinagsak ang mga pader sa palibot ng Jerusalem ng lahat ng hukbo ng mga Caldeo na kasama ng punong kawal ng bantay. Ang nalabing mga tao na naiwan sa lunsod, at ang mga tumakas patungo sa hari ng Babilonia, at ang nalabi sa napakaraming tao ay dinalang-bihag ni Nebuzaradan na punong kawal ng bantay. Ngunit iniwan ng punong kawal ng bantay ang mga pinakadukha sa lupain upang maging mag-uubas at magsasaka. Ang mga haliging tanso na nasa bahay ng PANGINOON at ang mga patungan at ang sisidlang tanso na nasa bahay ng PANGINOON, ay pinagputul-putol ng mga Caldeo at dinala ang tanso sa Babilonia. At kanilang tinangay ang mga palayok, mga pala, mga pamutol ng mitsa, mga pinggan para sa insenso, lahat ng kagamitang tanso na ginagamit sa paglilingkod sa templo, gayundin ang mga apuyan at ang mga mangkok. Ang anumang yari sa ginto at sa pilak ay dinalang lahat ng punong kawal ng bantay. Ang dalawang haligi, sisidlang tanso, at sa mga patungang ginawa ni Solomon para sa bahay ng PANGINOON, ang tanso ng lahat ng kasangkapang ito ay hindi kayang timbangin. Ang taas ng isang haligi ay labing walong siko, at isang kapitel na tanso ang nasa dulo niyon; ang taas ng kapitel ay tatlong siko na may palamuti at granada na pawang yari sa tanso ang nasa kapitel sa palibot. At ang ikalawang haligi ay gaya rin niyon at may palamuti. At kinuha ng punong kawal ng bantay si Seraya na punong pari, si Sefanias na ikalawang pari, at ang tatlong bantay-pinto; at mula sa lunsod ay kumuha siya ng isang pinuno na nangangasiwa sa mga lalaking mandirigma, limang lalaki sa sanggunian ng hari na natagpuan sa lunsod, ang kalihim ng punong kawal ng hukbo na nagtipon ng mga tao ng lupain, at animnapung lalaki sa taong-bayan ng lupain na natagpuan sa lunsod. Kinuha sila ni Nebuzaradan na punong kawal ng bantay at dinala sila sa hari ng Babilonia sa Ribla. Pinuksa sila ng hari ng Babilonia at pinatay sila sa Ribla, sa lupain ng Hamat. Sa gayon dinalang-bihag ang Juda mula sa kanyang lupain. Sa mga taong-bayang naiwan sa lupain ng Juda na iniwan ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, hinirang niyang tagapamahala si Gedalias na anak ni Ahicam, na anak ni Safan. Nang mabalitaan ng lahat ng pinuno ng mga hukbo at ng kanilang mga kalalakihan na ginawang tagapamahala si Gedalias ng hari sa Babilonia, ay pumunta sila kay Gedalias sa Mizpah. Sila ay sina Ismael na anak ni Netanias, si Johanan na anak ni Carea, si Seraya na anak ni Tanhumat na Netofatita, at si Jaazanias na anak ng Maacatita. At si Gedalias ay sumumpa sa kanila at sa kanilang mga kalalakihan na sinasabi, "Kayo'y huwag mangatakot ng dahil sa mga pinunong Caldeo. Manirahan kayo sa lupain at paglingkuran ninyo ang hari ng Babilonia, at ito ay sa ikabubuti ninyo." Ngunit nang ikapitong buwan, si Ismael na anak ni Netanias, na anak ni Elisama, na mula sa angkan ng hari, ay dumating kasama ng sampung lalaki at sinaktan si Gedalias, kaya't siya'y namatay kasama ang mga Judio at mga Caldeo na mga kasama niya sa Mizpah. Pagkatapos ang buong bayan, hamak at dakila, at ang mga pinuno ng hukbo ay tumindig at pumunta sa Ehipto, sapagkat sila'y takot sa mga Caldeo. At nangyari, nang ikadalawampu't pitong araw, nang ikalabindalawang buwan ng ikatatlumpu't pitong taon ng pagkabihag ni Jehoiakin na hari ng Juda, si Evil-merodac na hari ng Babilonia, nang taong siya'y magsimulang maghari, ay pinalaya sa bilangguan si Jehoiakin na hari ng Juda. Siya'y nagsalita na may kabaitan sa kanya, at binigyan siya ng upuan sa itaas ng mga upuan ng mga haring kasama niya sa Babilonia. Kaya't hinubad ni Jehoiakin ang kanyang damit-bilangguan. At sa bawat araw ng kanyang buhay ay palagi siyang kumakain sa hapag ng hari; at para sa pantustos sa kanya, may palagiang panustos na ibinibigay sa kanya ang hari, bawat araw ay isang bahagi, habang siya ay nabubuhay. Sina Adan, Set, Enos, Kenan, Mahalalel, Jared, Enoc, Matusalem, Lamec, Noe, Sem, Ham, at Jafet. Ang mga anak ni Jafet ay sina Gomer, Magog, Madai, Javan, Tubal, Meshec, at Tiras. Ang mga anak ni Gomer ay sina Askenaz, Rifat, at Togarma. Ang mga anak ni Javan ay sina Elisha, Tarsis, Kittim at Rodanim. Ang mga anak ni Ham ay sina Cus, Mizraimb Put, at Canaan. Ang mga anak ni Cus ay sina Seba, Havila, Sabta, Raama, at Sabteca. Ito ang mga anak ni Raama: sina Seba, at si Dedan. Si Cus ang ama ni Nimrod na siyang unang naging makapangyarihan sa daigdig. Si Mizraimc ang ama ng Ludim, Anamim, Lehabim, Naphtuhim, Patrusim, Casluim (na pinanggalingan ng mga Filisteo), at ng Caf-torim. Si Canaan ang ama ni Sidon, na kanyang panganay, at ni Het, at ng mga Jebuseo, mga Amoreo, mga Gergeseo, ng mga Heveo, mga Araceo, mga Sineo, ng mga taga-Arvad, mga Zemareo, at ng mga Hamateo. Ang mga anak ni Sem ay sina Elam, Ashur, Arfaxad, Lud, Aram, Uz, Hul, Geter, at si Meshec. Si Arfaxad ang ama ni Shela, si Shela ang ama ni Eber. At si Eber ay nagkaroon ng dalawang anak na lalaki: ang pangalan ng isa'y Peleg, sapagkat sa kanyang mga araw ay nahati ang lupa; at ang pangalan ng kanyang kapatid ay Joktan. At naging anak ni Joktan sina Almodad, Shelef, Hazar-mavet, Jerah, Hadoram, Uzal, Dicla; Ebal, Abimael, Sheba; Ofir, Havila, at Jobab. Lahat ng ito'y mga anak ni Joktan. Si Sem, Arfaxad, Shela; si Eber, Peleg, Reu; si Serug, Nahor, Terah; si Abram, na siyang Abraham. Ang mga anak ni Abraham ay sina Isaac at Ismael. Ito ang kanilang mga salinlahi: ang panganay ni Ismael, si Nebayot; at si Kedar, Adbeel, at Mibsam, sina Misma, Duma, Massa; Hadad, at Tema, sina Jetur, Nafis, at Kedema. Ito ang mga anak na lalaki ni Ismael. At ang mga anak ni Ketura, na asawang-lingkod ni Abraham: kanyang ipinanganak sina Zimram, Jokshan, Medan, Midian, Isbak, at Shuah. At ang mga anak ni Jokshan ay sina Seba, at Dedan. Ang mga anak na lalaki ni Midian ay sina Efa, Efer, Hanoc, Abida, at Eldaa. Lahat ng ito'y mga anak ni Ketura. At naging anak ni Abraham si Isaac. Ang mga anak ni Isaac ay sina Esau at Israel. Ang mga anak ni Esau ay sina Elifas, Reuel, Jeus, Jalam, at Kora. Ang mga anak ni Elifas ay sina Teman, Omar, Sefi, Gatam, Kenaz, Timna, at Amalek. Ang mga anak ni Reuel ay sina Nahat, Zera, Shammah, at Mizza. Ang mga anak ni Seir ay sina Lotan, Sobal, Zibeon, Ana, Dishon, Eser,at Disan. Ang mga anak ni Lotan ay sina Hori at Homam. Si Timna ay kapatid na babae ni Lotan. Ang mga anak ni Sobal ay sina Alian, Manahat, Ebal, Sefi at Onam. Ang mga anak ni Zibeon ay sina Aya at Ana. Ang mga anak ni Ana ay sina Dishon. At ang mga anak ni Dishon ay sina Hamran, Esban, Itran at Cheran. Ang mga anak ni Eser ay sina Bilhan, Zaavan, at Jaakan. Ang mga anak ni Disan ay sina Uz at Aran. Ang mga ito ang mga hari na naghari sa lupain ng Edom bago naghari ang sinumang hari sa mga anak ni Israel: si Bela na anak ni Beor at ang pangalan ng kanyang lunsod ay Dinhaba. Nang namatay si Bela, si Jobab na anak ni Zera na taga-Bosra ang nagharing kapalit niya. Nang mamatay si Jobab, si Husam sa lupain ng mga Temanita ang nagharing kapalit niya. Nang mamatay si Husam, si Hadad na anak ni Bedad na tumalo kay Midian sa parang ng Moab, ang nagharing kapalit niya. Ang pangalan ng kanyang lunsod ay Avith. Nang mamatay si Hadad, si Samla na taga-Masreca ang nagharing kapalit niya. Nang mamatay si Samla, si Shaul na taga-Rehobot sa tabi ng Ilog ang nagharing kapalit niya. Nang mamatay si Shaul, si Baal-hanan na anak ni Acbor ang nagharing kapalit niya. Nang mamatay si Baal-hanan, si Hadad ang nagharing kapalit niya; at ang pangalan ng kanyang lunsod ay Pai. Ang pangalan ng kanyang asawa ay Mehetabel, na anak na babae ni Matred, na anak na babae ni Mezaab. At namatay si Adad. Ang mga pinuno ng Edom ay sina Timna, Alia, Jetet; Oholibama, Ela, Pinon; Kenaz, Teman, Mibzar; Magdiel, at Iram. Ito ang mga pinuno ng Edom. Ito ang mga anak ni Israel: sina Ruben, Simeon, Levi, Juda, Isacar, Zebulon; Dan, Jose, Benjamin, Neftali, Gad at Aser. Ang mga anak ni Juda ay sina Er, Onan, at Shela na ang tatlong ito ay isinilang sa kanya ni Batsua na Cananea. Si Er, na panganay ni Juda, ay masama sa paningin ng PANGINOON; at pinatay niya ito. At ipinanganak sa kanya ni Tamar na kanyang manugang na babae si Perez at si Zera. lima lahat ang anak na lalaki ni Juda. Ang mga anak na lalaki ni Perez ay sina Hesron at Hamul. Ang mga anak na lalaki ni Zera ay sina Zimri, Etan, Heman, Calcol, at Dara; lima silang lahat. Ang mga anak na lalaki ni Carmi ay sina Acar, ang nanggulo sa Israel, na lumabag tungkol sa itinalagang bagay. Ang anak ni Etan ay si Azarias. Ang mga anak naman ni Hesron, na isinilang sa kanya ay sina Jerameel, at Ram, at Celubai. Naging anak ni Ram si Aminadab; at naging anak ni Aminadab si Naashon, na pinuno ng mga anak ni Juda; naging anak ni Naashon si Salma, at naging anak ni Salma si Boaz; naging anak ni Boaz si Obed, at naging anak ni Obed si Jesse; naging anak ni Jesse ang kanyang panganay na si Eliab, si Abi-nadab ang ikalawa, si Shimea ang ikatlo; si Natanael ang ikaapat, si Radai ang ikalima; si Osem ang ikaanim, si David ang ikapito. At ang kanilang mga kapatid na babae ay sina Zeruia at Abigail. Ang mga naging anak ni Zeruia ay sina Abisai, Joab, at Asahel, tatlo. Ipinanganak ni Abigail si Amasa; at ang ama ni Amasa ay si Jeter na Ismaelita. At nagkaanak si Caleb na anak ni Hesron kay Azuba na asawa niya, at kay Jerioth. Ang mga ito ang kanyang mga anak: sina Jeser, Sobad, at Ardon. Nang mamatay si Azuba, nag-asawa si Caleb kay Efrata, na siyang nagsilang kay Hur sa kanya. Naging anak ni Hur si Uri, at naging anak ni Uri si Bezaleel. Pagkatapos ay sumiping si Hesron sa anak na babae ni Makir na ama ni Gilead, na siya niyang naging asawa nang siya'y may animnapung taong gulang; at ipinanganak niya si Segub sa kanya. Naging anak ni Segub si Jair, na nagkaroon ng dalawampu't tatlong lunsod sa lupain ng Gilead. Ngunit sinakop ni Geshur at ni Aram ang mga bayan ni Jair sa kanila, pati ang Kenat, at ang mga nayon niyon, samakatuwid baga'y animnapung lunsod. Lahat ng ito'y mga anak ni Makir na ama ni Gilead. At pagkamatay ni Hesron sa Caleb-efrata ay ipinanganak ni Abias na asawa ni Hesron si Ashur na ama ni Tekoa. Ang mga anak ni Jerameel na panganay ni Hesron ay si Ram, ang panganay, at sina Buna, Orem, Osem, at Ahias. Si Jerameel ay may iba pang asawa na ang pangalan ay Atara; siya ang ina ni Onam. Ang mga anak ni Ram na panganay ni Jerameel ay sina Maas, Jamin, at Eker. Ang mga anak ni Onam ay sina Shammai, at Jada. Ang mga anak ni Shammai ay sina Nadab, at Abisur. Ang pangalan ng asawa ni Abisur ay Abihail; at ipinanganak niya sa kanya sina Aban, at Molid. Ang mga anak ni Nadab ay sina Seled, at Afaim. Ngunit si Seled ay namatay na walang anak. Ang anak ni Afaim ay si Ishi. At ang anak ni Ishi ay si Sesan. Ang anaki ni Sesan ay si Alai. Ang mga anak ni Jada, na kapatid ni Shammai ay sina Jeter at Jonathan. Si Jeter ay namatay na walang anak. Ang mga anak ni Jonathan ay sina Pelet, at Zaza. Ito ang mga anak ni Jerameel. Si Sesan ay hindi nagkaanak ng mga lalaki, kundi mga babae. Si Sesan ay may isang alipin na taga-Ehipto, na ang pangalan ay Jarha. At pinapag-asawa ni Sesan ang kanyang anak na babae kay Jarha na kanyang alipin at naging anak nila ni Jarha si Attai. Si Attai ang ama ni Natan, at naging anak ni Natan si Zabad; si Zabad ang ama ni Eflal, at naging anak ni Eflal, si Obed. Si Obed ang ama ni Jehu, at naging anak ni Jehu si Azarias. Si Azarias ang ama ni Heles, at naging anak ni Heles si Elesa. Si Elesa ang ama ni Sismai, at naging anak ni Sismai si Shallum. Si Shallum ang ama niJekamias, at naging anak ni Jekamias si Elisa-ma. Ang mga anak ni Caleb nakapatid ni Jerameel ay si Mesha na kanyang panganay, na siyang ama ni Zif. Ang kanyang anak ay si Maresha, na ama ni Hebron. Ang mga anak ni Hebron ay sina Kora, Tapua, Rekem, at Shema. Si Shema ang ama ni Raham, na ama ni Jokneam; at naging anak ni Rekem si Shammai. Ang anak ni Shammai ay si Maon; at si Maon ay ama ni Bet-zur. At ipinanganak ni Efa, na asawang-lingkod ni Caleb, sina Haran, Mosa, at Gazez; at naging anak ni Haran si Gazez. Ang mga anak ni Joddai ay sina Regem, Jotam, Gesan, Pelet, Efa, at Saaf. Ipinanganak ni Maaca, na asawang-lingkod ni Caleb, sina Sebet, at Tirana. Ipinanganak din niya si Saaf na ama ni Madmana, si Seva na ama ni Macbena, at ang ama ni Gibea; at ang anak na babae ni Caleb ay si Acsa. Ito ang mga naging anak ni Caleb, na anak ni Hur, na panganay ni Efrata: si Sobal na ama ni Kiryat-jearim; si Salma na ama ni Bethlehem, si Haref na ama ni Betgader. At si Sobal na ama ni Kiryat-jearim ay nagkaroon ng iba pang mga anak na lalaki: si Haroe, na kalahati ng mga Menuhot. At ang mga angkan ni Kiryat-jearim: ang mga Itreo, mga Futeo, at ang mga Sumateo, at ang mga Misraiteo; mula sa kanila ang mga Soratita at mga Estaolita. Ang mga anak ni Salma: ang Bethlehem, ang mga Netofatita, ang Atrot-betjoab, at ang kalahati ng mga Manahetita, ang mga Soraita. At ang mga angkan ng mga eskriba na naninirahan sa Jabez: ang mga Tirateo, mga Shimateo, at ang mga Sucateo. Ito ang mga Kineo na nagmula kay Hamat na ama ng sambahayan ni Recab. Ito ang mga anak ni David na ipinanganak sa kanya sa Hebron: ang panganay ay si Amnon, kay Ahinoam na Jezreelita; ang ikalawa'y si Daniel, kay Abigail na Carmelita; ang ikatlo'y si Absalom, na ang ina ay si Maaca na anak na babae ni Talmai, na hari sa Geshur; ang ika-apat ay si Adonias na ang ina ay si Hagit; ang ikalima'y si Shefatias, kay Abithal; ang ikaanim ay si Itream, kay Egla na asawa niya. Anim ang ipinanganak sa kanya sa Hebron; at naghari siya doon ng pitong taon at anim na buwan. Sa Jerusalem ay naghari siya ng tatlumpu't tatlong taon. Ito ang mga ipinanganak sa kanya sa Jerusalem: sina Shimea, Sobab, Natan, at Solomon, apat kay Batsua na anak na babae ni Amiel; at sina Ibhar, Elisama, Elifelet; Noga, Nefeg, Jafia; Elisama, Eliada, at Elifelet, siyam. Lahat ng ito'y mga anak ni David, bukod pa ang mga anak ng mga asawang-lingkod; at si Tamar ay kanilang kapatid na babae. Ang anak ni Solomon ay si Rehoboam, si Abias na kanyang anak, si Asa na kanyang anak, si Jehoshafat na kanyang anak; si Joram na kanyang anak, si Ahazias na kanyang anak, si Joas na kanyang anak; si Amasias na kanyang anak, si Azarias na kanyang anak, si Jotam na kanyang anak; si Ahaz na kanyang anak, si Hezekias na kanyang anak, si Manases na kanyang anak; si Amon na kanyang anak, si Josias na kanyang anak. Ang mga anak ni Josias: ang panganay ay si Johanan, ang ikalawa'y si Jehoiakim, ang ikatlo'y si Zedekias, ang ikaapat ay si Shallum. Ang mga anak ni Jehoiakim: si Jeconias na kanyang anak, si Zedekias na kanyang anak. Ang mga anak ni Jeconias, na bihag: sina Shealtiel na kanyang anak, Malchiram, Pedaya, Shenassar, Jekamias, Hosama, at Nedabia. Ang mga anak ni Pedaya: sina Zerubabel, at Shimei. Ang mga anak ni Zerubabel ay sina Mesulam, Hananias, at si Shelomit na kanilang kapatid na babae; at sina Hasuba, Ohel, Berequias, Hasadia, at Jusabhesed, lima. Ang mga anak ni Hananias ay sina Pelatias, at Jeshaias; ang mga anak ni Refaias, ang mga anak ni Arnan, ang mga anak ni Obadias, ang mga anak ni Shecanias. Ang anak ni Shecanias ay si Shemaya; at ang mga anak ni Shemaya ay sina Hatus, Igal, Bariaas, Nearias, at Shafat, anim. Ang mga anak ni Nearias ay sina Elioenai, Hizkias, at Azricam, tatlo. Ang mga anak ni Elioenai ay sina Hodavias, Eliasib, Pelaias, Akub, Johanan, Delaias, at Anani, pito. Ang mga anak ni Juda ay sina Perez, Hesron, Carmi, Hur, at Sobal. At naging anak ni Reaya na anak ni Sobal si Jahat. Naging anak ni Jahat sina Ahumai at Laad. Ito ang mga angkan ng mga Soratita. Si Etam ang ama ng mga ito: sina Jezreel, Isma, at Idbas, at ang pangalan ng kanilang kapatid na babae ay Haslelponi; at si Penuel na ama ni Gedor, at si Eser na ama ni Husa. Ito ang mga anak ni Hur, na panganay ng Efrata, na ama ng Bethlehem. Si Asur na ama ni Tekoa ay nag-asawa ng dalawa: sina Hela at Naara. At ipinanganak sa kanya ni Naara sina Ahuzam, Hefer, Themeni, at Ahastari. Ito ang mga anak ni Naara. Ang mga anak ni Hela ay sina Zeret, Izar at Ethnan. Naging anak ni Koz sina Anob, at Zobeba; at ang mga angkan ni Aharhel na anak ni Harum. Si Jabez ay higit na kagalanggalang kaysa kanyang mga kapatid; at tinawag ng kanyang ina ang kanyang pangalan na Jabez, na sinasabi, "Sapagkat ipinanganak ko siya nang may kahirapan." At si Jabez ay dumalangin sa Diyos ng Israel, na nagsasabi, "O ako nawa'y iyong pagpalain, at palawakin ang aking nasasakupan na ang iyong kamay ay sumaakin, at ingatan mo ako sa kasamaan, upang huwag akong maghirap!" At ipinagkaloob ng Diyos sa kanya ang kanyang hiniling. Naging anak ni Kelub na kapatid ni Sua si Macir, na siyang ama ni Eston. At naging anak ni Eston sina Betrafa, Pasea, Tehina, na ama ni Irnahas. Ito ang mga lalaki ng Reca. At ang mga anak ni Kenaz: sina Otniel at Seraya; at ang anak ni Otniel ay si Hatat. Naging anak ni Meonathi si Ofra; naging anak ni Seraya si Joab, na ama ng Geharasim; sapagkat sila'y mga manggagawa. Ang mga anak ni Caleb na anak ni Jefone ay sina Iru, Ela, at Naham; at ang anak" ni Ela ay si Kenaz. Ang mga anak ni Jehalelel ay sina Zif, Zifa, Tirias, at Asarel. Ang mga anak ni Ezra ay sina Jeter, Mered, Efer, at Jalon; at ipinanganak niya sina Miriam, Shammai, at Isba, na ama ni Estemoa. At ipinanganak ng kanyang asawang Judio si Jered, na ama ni Gedor, at si Eber na ama ni Soco, at si Jekutiel na ama ni Zanoa. At ito ang mga anak ni Bethia na anak na babae ni Faraon, na naging asawa ni Mered. Ang mga anak ng asawa ni Hodias, na kapatid na babae ni Naham, ay ang ama ni Keila na Garmita, at ni Estemoa na Maacatita. Ang mga anak ni Simon ay sina Amnon, Rina, Benhanan, at Tilon. At ang mga anak ni Ishi ay sina Zohet, at Benzohet. Ang mga anak ni Shela na anak ni Juda ay sina Er na ama ni Lecha, at si Laada na ama ni Maresha, at ang mga angkan ng sambahayan ng nagsisigawa ng pinong lino sa Bet-asbea; at si Jokim, at ang mga lalaki ng Cozeba, at si Joas, si Saraf, na siyang nagpasuko sa Moab, at si Jasubilehem. Ang mga talaan nga ay luma na. Ang mga ito'y mga magpapalayok at mga taga-Netaim at Gedera. Doo'y naninirahan sila na kasama ng hari para sa kanyang gawain. Ang mga anak ni Simeon ay sina Nemuel, Jamin, Jarib, Zera, Shaul; si Shallum na kanyang anak, si Mibsam na kanyang anak, si Misma na kanyang anak. Ang mga anak ni Misma ay si Hamuel na kanyang anak, si Zacur na kanyang anak, si Shimei na kanyang anak. At si Shimei ay nagkaanak ng labing-anim na lalaki at anim na babae; ngunit ang kanyang mga kapatid ay hindi nagkaanak ng marami, o dumami man ang buong angkan nila na gaya ng mga anak ni Juda. At sila'y nanirahan sa Beer-seba, sa Molada, sa Hazar-shual; sa Bilha, Ezem, Tolad; sa Betuel, Horma, Sidag; sa Bet-marcabot, Hazar-susim, Bet-beri, at sa Saaraim. Ito ang kanilang mga bayan hanggang sa maghari si David. Ang mga nayon ng mga ito ay Etam, Ain, Rimon, Tocen, at Asan; limang bayan. Ang lahat ng kanilang mga nayon ay nasa palibot ng mga bayang iyon, hanggang sa Baal. Ang mga ito ang naging kanilang mga tahanan, at sila'y mayroong talaan ng kanilang lahi. Sina Mesobab, Jamlec, at si Josha na anak ni Amasias; si Joel, at si Jehu na anak ni Josibias, na anak ni Seraya, na anak ni Aziel; sina Elioenai, Jaacoba, Jesohaia, Asaya, Adiel, Jesimiel, at si Benaya; at si Ziza na anak ni Sifi, na anak ni Allon, na anak ni Jedias, na anak ni Simri, na anak ni Shemaya. Ang mga nabanggit na ito sa pangalan ay mga pinuno sa kanilang mga angkan, at ang mga sambahayan ng kanilang mga magulang ay nadagdagan ng marami. Sila'y nagtungo sa pasukan ng Gedor, hanggang sa dakong silangan ng libis, upang ihanap ng pastulan ang kanilang mga kawan. Sila'y nakatagpo roon ng mabuting pastulan. Ang lupain ay maluwang, tahimik, at payapa, sapagkat ang mga unang nanirahan doon ay nagmula kay Ham. Ang mga nakatalang ito sa pangalan ay dumating sa mga araw ni Hezekias na hari ng Juda, at winasak ang kanilang mga tolda, at ang mga Meunim na natagpuan doon, at nilipol na lubos, hanggang sa araw na ito, at sila'y nanirahang kapalit nila; sapagkat may pastulan doon para sa kanilang mga kawan. At ang iba sa kanila, ang limang daang lalaki sa mga anak ni Simeon, ay pumunta sa bundok ng Seir, ang kanilang mga pinuno ay sina Pelatias, Nearias, Refaias, at si Uziel, na mga anak ni Ishi. Kanilang pinuksa ang nalabi sa mga Amalekita na nakatakas, at nanirahan sila roon hanggang sa araw na ito. Ang mga anak ni Ruben na panganay ni Israel (sapagkat siya ang panganay; ngunit dahil kanyang dinungisan ang higaan ng kanyang ama, ang kanyang karapatan ng pagkapanganay ay ibinigay sa mga anak ni Jose na anak ni Israel; kaya't siya'y hindi nakatala sa talaan ng lahi ayon sa pagkapanganay; bagaman si Juda'y naging malakas sa gitna ng kanyang mga kapatid, at sa kanya nanggaling ang pinuno ngunit ang karapatan ng pagkapanganay ay ibinigay kay Jose.) Ang mga anak ni Ruben na panganay ni Israel ay sina Hanoc, Fallu, Hesron, at Carmi. Ang mga anak ni Joel ay sina Shemaya na kanyang anak, si Gog na kanyang anak, si Shimei na kanyang anak, si Micaias na kanyang anak, si Reaya kanyang anak, si Baal na kanyang anak, si Beerah na kanyang anak, na dinalang-bihag ni Tilgat-pilneser na hari sa Asiria; siya'y pinuno ng mga Rubenita. At ang kanyang mga kapatid ayon sa kanilang mga angkan nang bilangin sa talaan ng kanilang mga lahi; ang pinuno'y si Jeiel, at si Zacarias, si Bela na anak ni Azaz, na anak ni Shema, na anak ni Joel, na naninirahan sa Aroer, hanggang sa Nebo at Baal-meon. Siya ay nanirahan din sa dakong silangan hanggang sa pasukan sa disyerto na mula sa ilog Eufrates, sapagkat ang kanilang mga hayop ay dumami sa lupain ng Gilead. At sa mga araw ni Saul ay nakipagdigma sila sa mga Hagrita, na nahulog sa kanilang kamay. Sila'y nanirahan sa kanilang mga tolda sa buong lupain sa silangan ng Gilead. Ang mga anak ni Gad ay nanirahan sa tapat nila sa lupain ng Basan hanggang sa Saleca: Si Joel na pinuno, si Shafan ang ikalawa, si Janai, at si Shafat sa Basan. At ang kanilang mga kapatid ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga magulang: sina Micael, Mesulam, Seba, Jorai, Jachan, Zia, at Heber, pito. Ang mga ito ang mga anak ni Abihail na anak ni Huri, na anak ni Jaroa, na anak ni Gilead, na anak ni Micael, na anak ni Jesiai, na anak ni Jaddo, na anak ni Buz; si Ahi na anak ni Abdiel, na anak ni Guni, na pinuno sa mga sambahayan ng kanilang mga magulang. Sila'y nanirahan sa Gilead sa Basan, at sa kanyang mga bayan, at sa lahat ng palibot ng Sharon, na kasinlayo ng kanilang mga hangganan. Ang lahat ng mga ito'y napatala sa pamamagitan ng mga talaan ng lahi sa mga araw ni Jotam na hari ng Juda, at sa mga araw ni Jeroboam na hari ng Israel. Ang mga anak ni Ruben, ang mga Gadita, at ang kalahating lipi ni Manases ay may matatapang na lalaki na nagdala ng kalasag at tabak, namamana ng palaso, at bihasa sa pakikipagdigma. Sila ay apatnapu't apat na libo, pitong daan at animnapu na handa sa pakikipagdigma. Sila'y nakipagdigma sa mga Hagrita, kina Jetur, Nafis, at Nodab. Nang sila'y makatanggap ng tulong laban sa kanila, ang mga Hagrita at ang lahat sa kasama nila ay ibinigay sa kanilang kamay sapagkat sila'y nanalangin sa Diyos sa pakikipaglaban. At kanyang ipinagkaloob sa kanila ang kanilang hiling sapagkat sila'y nagtiwala sa kanya. Kanilang dinala ang kanilang mga hayop: ang limampung libo sa kanilang mga kamelyo, dalawandaan at limampung libong mga tupa, dalawang libong mga asno, at isandaang libong bihag. Maraming bumagsak at napatay sapagkat ang pakikipaglaban ay sa Diyos. At sila'y nanirahan sa kanilang lugar hanggang sa pagkabihag. Ang mga anak ng kalahating lipi ni Manases ay nanirahan sa lupain. Sila'y napakarami mula sa Basan hanggang sa Baal-hermon, Senir at sa Bundok ng Hermon. Ang mga ito ang mga puno ng mga sambahayan ng kanilang mga magulang: sina Efer, Ishi, Eliel, Azriel, Jeremias, Hodavias, at Jadiel, matatapang na mandirigma, mga bantog na lalaki, na mga puno sa mga sambahayan ng kanilang mga magulang. Ngunit sila'y sumuway sa Diyos ng kanilang mga ninuno, at bumaling sa mga diyos ng mga bayan ng lupain na nilipol ng Diyos sa harap nila. Kaya't inudyukan ng Diyos ng Israel ang diwa ni Pul na hari ng Asiria at ang diwa ni Tilgat-pilneser na hari ng Asiria, at kanilang dinalang-bihag ang mga Rubenita, ang mga Gadita, at ang kalahati ng lipi ni Manases. Dinala ang mga ito hanggang sa Hala, sa Habor, sa Hara, at sa ilog ng Gozan, hanggang sa araw na ito. Ang mga anak ni Levi ay sina Gershon," Kohat, at Merari. Ang mga anak ni Kohat ay sina Amram, Izar, Hebron, at Uziel. Ang mga anak ni Amram ay sina Aaron, Moises, Miriam. Ang mga anak ni Aaron ay sina Nadab, Abihu, Eleazar, at Itamar. Si Eleazar ang ama ni Finehas, at si Finehas ang ama ni Abisua. Si Abisua ang ama ni Buki, at si Bukki ang ama ni Uzi. Si Uzi ang ama ni Zeraias, si Zeraias ang ama ni Meraiot. Si Meraiot ang ama ni Amarias, si Amarias ang ama ni Ahitub. Si Ahitub ang ama ni Zadok, si Zadok ang ama ni Ahimaaz; Si Ahimaaz ang ama ni Azarias, at si Azarias ang ama ni Johanan. Si Johanan ang ama ni Azarias (na siyang naglingkod bilang pari sa bahay na itinayo ni Solomon sa Jerusalem). Si Azarias ang ama ni Amarias, si Amarias ang ama ni Ahitub; si Ahitub ang ama ni Zadok, si Zadok ang ama ni Shallum. Si Shallum ang ama ni Hilkias, at si Hilkias ang ama ni Azarias. Si Azarias ang ama ni Seraya, at si Seraya ang ama ni Jehozadak, si Jehozadak ay nabihag nang ipabihag ng PANGINOON ang Juda at ang Jerusalem sa pamamagitan ng kamay ni Nebukadnezar. Ang mga anak ni Levi ay sina Gershon, Kohat, at Merari. Ang mga ito ang mga pangalan ng mga anak ni Gershon: sina Libni at Shimei. Ang mga anak ni Kohat ay sina Amram, Izar, Hebron, at Uziel. Ang mga anak ni Merari ay sina Mahli at Musi. Ang mga ito ang mga angkan ng mga Levita ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga magulang. Kay Gershon: si Libni na kanyang anak, si Jahat na kanyang anak, si Zimma na kanyang anak; si Joah na kanyang anak, si Iddo na kanyang anak, si Zera na kanyang anak, si Jeotrai na kanyang anak. Ang mga anak ni Kohat ay sina Aminadab na kanyang anak, si Kora na kanyang anak, si Asir na kanyang anak; si Elkana na kanyang anak, si Abiasaf na kanyang anak, si Asir na kanyang anak; si Tahat na kanyang anak, si Uriel na kanyang anak, si Uzias na kanyang anak, at si Shaul na kanyang anak. Ang mga anak ni Elkana ay sina Amasai at Achimot, si Elkana na kanyang anak, si Sofai na kanyang anak, si Nahat na kanyang anak; si Eliab na kanyang anak, si Jeroham na kanyang anak, si Elkana na kanyang anak. Ang mga anak ni Samuel: ang panganay ay si Joel, at ang ikalawa'y si Abias. Ang mga anak ni Merari ay si Mahli, si Libni na kanyang anak, si Shimei na kanyang anak, si Uzah na kanyang anak; si Shimea na kanyang anak, si Haggia na kanyang anak, si Asaya na kanyang anak. Ang mga ito ang mga inilagay ni David upang mangasiwa sa pag-aawitan sa bahay ng PANGINOON, pagkatapos na mailagay roon ang kaban. Sila'y naglingkod sa pamamagitan ng awit sa harap ng toldang tipanan hanggang sa itinayo ni Solomon ang bahay ng PANGINOON sa Jerusalem. Kanilang ginampanan ang paglilingkod ayon sa kanilang pagkakasunud-sunod. Ang mga ito ang naglingkod at ang kanilang mga anak. Sa mga anak ng mga Kohatita: si Heman na mang-aawit na anak ni Joel, na anak ni Samuel; na anak ni Elkana, na anak ni Jeroham, na anak ni Eliel, na anak ni Thoa; na anak ni Zuf, na anak ni Elkana, na anak ni Mahat, na anak ni Amasai; na anak ni Elkana, na anak ni Joel, na anak ni Azarias, na anak ni Sefanias, na anak ni Tahat, na anak ni Asir, na anak ni Ahiasaph, na anak ni Kora; na anak ni Izar, na anak ni Kohat, na anak ni Levi, na anak ni Israel. At ang kanyang kapatid na si Asaf, ay nakatayo sa kanyang kanan, samakatuwid ay si Asaf na anak ni Berequias, na anak ni Shimea; na anak ni Micael, na anak ni Baasias, na anak ni Malkia; na anak ni Athanai, na anak ni Zera, na anak ni Adaya; na anak ni Etan, na anak ni Zimma, na anak ni Shimei; na anak ni Jahat, na anak ni Gershon, na anak ni Levi. At sa kaliwa ay ang kanilang mga kapatid na mga anak ni Merari: si Etan na anak ni Chisi, na anak ni Abdi, na anak ni Malluc; na anak ni Hashabias, na anak ni Amasias, na anak ni Hilkias; na anak ni Amasias, na anak ni Bani, na anak ni Semer; na anak ni Mahli, na anak ni Musi, na anak ni Merari, na anak ni Levi. At ang kanilang mga kapatid na mga Levita ay irinalaga sa lahat ng paglilingkod sa tabernakulo ng bahay ng Diyos. Ngunit si Aaron at ang kanyang mga anak ay naghandog sa ibabaw ng dambana ng handog na sinusunog, at sa ibabaw ng dambana ng insenso, para sa buong gawain sa dakong kabanal-banalan, upang gumawa ng pagtubos para sa Israel ayon sa lahat ng iniutos ni Moises na lingkod ng Diyos. Ang mga ito ang mga anak ni Aaron: si Eleazar na kanyang anak, si Finehas na kanyang anak, si Abi-sua na kanyang anak, si Buki na kanyang anak, si Uzi na kanyang anak, si Zeraias na kanyang anak, si Meraiot na kanyang anak, si Amarias na kanyang anak, si Ahitub na kanyang anak, si Zadok na kanyang anak, si Ahimaaz na kanyang anak. Ang mga ito ang mga lugar na kanilang tinitirhan ayon sa kanilang mga kampo sa kanilang mga hangganan; sa mga anak ni Aaron, sa mga angkan ng mga Kohatita, sapagkat sila ang unang napili sa palabunutan. Kanilang ibinigay sa kanila ang Hebron sa lupain ng Juda, at ang mga pastulan doon sa palibot, ngunit ang mga bukid ng lunsod, at ang mga pastulan doon ay kanilang ibinigay kay Caleb na anak ni Jefone. At sa mga anak ni Aaron ay kanilang ibinigay ang mga lunsod-kanlungan, ang Hebron; gayundin ang Libna pati ang mga pastulan doon, ang Jatir, at ang Estemoa pati ang mga pastulan doon, ang Hilen pati ang mga pastulan doon, ang Debir pati ang mga pastulan doon; ang Asan pati ang mga pastulan doon, at ang Bet-shemes pati ang mga pastulan doon. At mula sa lipi ni Benjamin: ang Geba pati ang mga pastulan doon, ang Alemet pati ang mga pastulan doon, at ang Anatot pati na ang mga pastulan doon. Ang lahat ng kanilang bayan sa lahat na kanilang angkan ay labintatlong bayan. Ang iba pa sa mga anak ni Kohatita ay binigyan sa pamamagitan ng palabunutan, mula sa angkan ng kalahating lipi ni Manases, sampung bayan. At sa mga anak ni Gershon, ayon sa kanilang mga angkan, sa lipi ni Isacar, sa lipi ni Aser, sa lipi ni Neftali, at sa lipi ni Manases sa Basan, labintatlong bayan. Ang mga anak ni Merari ay binigyan sa pamamagitan ng palabunutan, ayon sa kanilang mga angkan sa lipi ni Ruben, sa lipi ni Gad, at sa lipi ni Zebulon, labindalawang bayan. At ibinigay ng mga anak ni Israel sa mga Levita ang mga bayan pati na ang mga pastulan doon. At kanilang ibinigay sa pamamagitan ng palabunutan sa lipi ng mga anak ni Juda, sa lipi ng mga anak ni Simeon, at sa lipi ng mga anak ni Benjamin, ang mga bayang ito na binanggit sa pangalan. Ang ilan sa mga angkan ng mga anak ni Kohat ay may mga bayan sa kanilang mga nasasakupan na mula sa lipi ni Efraim. Sa kanila ay ibinigay ang mga lunsod-kanlungan: ang Shekem sa lupaing maburol ng Efraim pati na ang mga pastulan doon, gayundin ang Gezer pati na ang mga pastulan doon. Ang Jocmeam pati na ang mga pastulan doon; at ang Bet-horon pati na ang mga pastulan doon. Ang Ajalon pati na ang mga pastulan doon; at ang Gat-rimon pati na ang mga pastulan doon. At mula sa kalahating lipi ni Manases; ang Aner pati na ang mga pastulan doon, Bilam pati na ang mga pastulan doon sa nalabi sa angkan ng mga anak ni Kohatita. Sa mga anak ng Gershon ay napabigay, mula sa angkan ng kalahating lipi ni Manases, ang Golan sa Basan pati na ang mga pastulan doon, at ang Astarot pati na ang mga pastulan doon. At mula sa lipi ni Isacar, ang Kedes pati na ang mga pastulan doon, ang Daberat pati na ang mga pastulan doon; ang Ramot pati na ang mga pastulan doon, ang Anem pati na ang mga pastulan doon. At mula sa lipi ni Aser, ang Masal pati na ang mga pastulan doon, ang Abdon pati na ang mga pastulan doon, ang Hukok pati na ang mga pastulan doon, ang Rehob pati na ang mga pastulan doon. At mula sa lipi ni Neftali; ang Kedes sa Galilea pati na ang mga pastulan doon, ang Hamon pati na ang mga pastulan doon, at ang Kiryataim pati na ang mga pastulan doon. Sa iba pang mga anak ni Merari ay napabigay mula sa lipi ni Zebulon ang Rimono pati na ang mga pastulan doon, ang Tabor pati na ang mga pastulan doon. At sa dako roon ng Jordan sa Jerico sa dakong silangan ng Jordan ay napabigay sa kanila mula sa lipi ni Ruben, ang Bezer sa ilang pati na ang mga pastulan doon, at ang Jaza pati na ang mga pastulan doon, ang Kedemot pati na ang mga pastulan doon, ang Mefaat pati na ang mga pastulan doon. At mula sa lipi ni Gad; ang Ramot sa Gilead pati na ang mga pastulan doon, at ang Mahanaim pati na ang mga pastulan doon, ang Hesbon pati na ang mga pastulan doon, at ang Jazer pati na ang mga pastulan. Ang mga anak ni Isacar: sina Tola, Pua, Jasub, at Simron, apat. Ang mga anak ni Tola: sina Uzi, Refaias, Jeriel, Jamai, Jibsam, at Samuel, mga puno sa mga sambahayan ng kanilang mga magulang, sa sambahayan ni Tola; matatapang na mandirigma sa kanilang salinlahi: ang kanilang bilang sa mga araw ni David ay dalawampu't dalawang libo at animnaraan. Ang mga anak ni Uzi: si Izrahias, at ang mga anak ni Izrahias: sina Micael, Obadias, Joel, at Ishias, lima. Silang lahat ay mga pinuno. At kasama nila ayon sa kanilang mga lahi, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga magulang, ay mga pulutong ng hukbo sa pakikipagdigma na binubuo ng tatlumpu't anim na libong katao, sapagkat sila'y nagkaroon ng maraming asawa at mga anak. Ang kanilang mga kapatid na kabilang sa lahat ng angkan ni Isacar ay walumpu't pitong libong magigiting na mandirigma na itinala ayon sa talaari ng salinlahi. Ang tatlong anak ni Benjamin ay sina Bela, Beker, at Jediael. Ang mga anak ni Bela: sina Ezbon, Uzi, Uziel, Jerimot, at Iri, lima; mga puno sa mga sambahayan ng mga magulang; at sila'y binilang ayon sa talaan ng lahi, dalawampu't dalawang libo at tatlumpu't apat na matatapang na mandirigma. Ang mga anak ni Beker: sina Zemira, Joas, Eliezer, Elioenai, Omri, Jerimot, Abias, Anatot, at Alemet. Lahat ng ito'y mga anak ni Beker. Ang kanilang bilang ayon sa talaan ng angkan, ayon sa kanilang lahi, na mga puno sa mga sambahayan ng kanilang mga magulang ay dalawampung libo at dalawandaang matatapang na mandirigma. Ang mga ito ang mga anak ni Jediael: si Bilhan; at ang mga anak ni Bilhan ay sina Jeus, Benjamin, Ehud, Canaana, Zethan, Tarsis, at Ahisahar. Lahat ng ito'y mga anak ni Jediael, ayon sa mga puno ng mga sambahayan ng kanilang mga magulang, labimpitong libo at dalawandaang matatapang na mandirigma at handa upang maglingkod sa digmaan. Sina Supim at Hupim ay mga anak ni Hir, si Husim na anak ni Aher. Ang mga anak ni Neftali: sina Jaziel, Guni, Jeser, at Shallum, na mga anak ni Bilha. Ang mga anak ni Manases: si Asriel, na siyang ipinanganak ng kanyang asawang-lingkod na Arameo; ipinanganak niya si Makir na ama ni Gilead. At si Makir ay kumuha ng asawa para kina Hupim at kay Supim. Ang pangalan ng kanilang kapatid na babae ay Maaca. Ang pangalan ng ikalawa ay Zelofehad, at si Zelofehad ay nagkaanak ng mga babae. At si Maaca na asawa ni Makir ay nanganak ng isang lalaki, at tinawag niya ang kanyang pangalan na Peres; at ang pangalan ng kanyang kapatid ay Seres; at ang kanyang mga anak ay sina Ulam at Rekem. Ang anak ni Ulam: si Bedan. Ito ang mga anak ni Gilead na anak ni Makir, na anak ni Manases. At ipinanganak ng kanyang kapatid na babae sina Molec, Ichod, Abiezer, at Mahla. At ang mga anak ni Semida ay sina Ahian, Shekem, Licci, at Aniam. Ang mga anak ni Efraim: si Shutela, at si Bered na kanyang anak, si Tahat na kanyang anak, at si Elada na kanyang anak, at si Tahat na kanyang anak, si Zabad na kanyang anak, si Shutela na kanyang anak, sina Eser at Elad na pinatay ng mga lalaking ipinanganak sa lupain ng Gat, sapagkat sila'y nagsilusong upang nakawin ang kanilang mga hayop. Si Efraim na kanilang ama ay nagluksa nang maraming araw, at ang kanyang mga kapatid ay pumunta upang aliwin siya. Si Efraim ay sumiping sa kanyang asawa; at ito'y naglihi at nagkaanak ng isang lalaki, at tinawag niya ang kanyang pangalan na Beriah, sapagkat ang kasamaan ay dumating sa kanyang bahay. Ang kanyang anak na babae ay si Seera, na siyang nagtayo ng Bet-horon sa ibaba at sa itaas, at ng Uzzenseera. Naging anak niya sina Refa, Resef, at Tela na kanyang anak, at si Tahan na kanyang anak; si Ladan na kanyang anak, si Amihud na kanyang anak, si Elisama na kanyang anak; si Nun na kanyang anak, at si Josue na kanyang anak. Ang kanilang mga ari-arian at mga tahanan ay ang Bethel at ang mga bayan niyon, ang dakong silangan ng Naaran, ang dakong kanluran ng Gezer pati ng mga nayon niyon; ang Shekem at ang mga bayan niyon, hanggang sa Asa at ang mga nayon niyon; at sa mga hangganan ng mga anak ni Manases, ang Betshan at ang mga bayan niyon, ang Taanac at ang mga bayan niyon, ang Megido at ang mga bayan niyon, ang Dor at ang mga bayan niyon. Dito nanirahan ang mga anak ni Jose na anak ni Israel. Ang mga anak ni Aser: sina Imna, Isva, Isui, Beriah, at Sera na kanilang kapatid na babae. At ang mga anak ni Beriah: sina Eber, at Malkiel na siyang ama ni Birzabit. At naging anak ni Eber: sina Jaflet, Somer, Hotam, at si Shua na kanilang kapatid na babae. At ang mga anak ni Jaflet: sina Pasac, Bimhal, at Asvat. Ang mga ito ang mga anak ni Jaflet. Ang mga anak ni Semer: sina Ahi, Roga, Jehuba, at Aram. At ang mga anak ni Helem na kanyang kapatid: sina Zofa, Imna, Selles, at Amal. Ang mga anak ni Zofa: sina Suah, Harnafer, Sual, Beri; Imra, Bezer, Hod, Shamna, Silsa, Itran, at Bearah. At ang mga anak ni Jeter: sina Jefone, Pispa, at Ara. At ang mga anak ni Ulla: sina Arah, Haniel, at Resia. Ang lahat ng ito ay mga anak ni Aser, mga puno sa mga sambahayan ng mga magulang, mga pili at matatapang na mandirigma, mga puno ng mga pinuno. Ang bilang nila ayon sa talaan ng salinlahi para sa paglilingkod sa digmaan ay dalawampu't anim na libong lalaki. Si Benjamin ay naging ama ni Bela na kanyang panganay, si Asbel ang ikalawa, at si Ahara ang ikatlo; si Noha ang ikaapat, at si Rafah ang ikalima. Ang mga naging anak ni Bela: sina Adar, Gera, Abihud; Abisua, Naaman, Ahoa, Gera, Sephuphim, at Huram. Ito ang mga anak ni Ehud; ang mga ito ang mga puno sa mga sambahayan ng mga magulang ng mga taga-Geba, at sila'y kanilang dinalang-bihag sa Manahat): sina Naaman, Akias, at Gera, iyon ay si Heglam, nina Uza at Ahihud. Si Saharaim ay nagkaroon ng mga anak sa lupain ng Moab, pagkatapos na kanyang paalisin ang kanyang mga asawa na sina Husim at Baara. Naging anak nila ni Hodes sina Jobab, Sibias, Mesha, Malcham, Jeuz, Sochias, at Mirma. Ang mga ito ang kanyang mga anak na mga puno sa mga sambahayan ng mga magulang. Naging anak niya kay Husim sina Abitub at Elpaal. At ang mga anak ni Elpaal: sina Heber, Misam, at Shemed, na nagtayo ng Ono at ng Lod, pati na ang mga bayan niyon; at sina Beriah at Shema na mga puno sa mga sambahayan ng mga ninuno ng mga taga-Ajalon na nagpalayas sa mga taga-Gat; sina Ahio, Sasac, Jeremot; Zebadias, Arad, Eder; Micael, Ispa, at Joha, na mga anak ni Beriah; sina Zebadias, Mesulam, Hiz-chi, Eber. At sina Ismerai, Izlia, at Jobab, na mga anak ni Elpaal; sina Jakim, Zicri, Zabdi; Elioenai, Silitai, Eliel; Adaya, Baraias, at Simrath, na mga anak ni Shimei; sina Ispan, Heber, Eliel; Adon, Zicri, Hanan; Hananias, Belam, Antotias; Ifdaias, Peniel, na mga anak ni Sasac; sina Samseri, Seharias, Atalia; Jaarsias, Elias, at Zicri, na mga anak ni Jeroham. Ang mga ito ang mga puno sa mga sambahayan ng mga magulang ayon sa kanilang lahi, na mga pinunong lalaki na nanirahan sa Jerusalem. At sa Gibeon ay nanirahan ang ama ni Gibeon, si Jeiel, na ang pangalan ng asawa ay Maaca; at ang kanyang anak na panganay: si Abdon, pagkatapos ay sina Zur, Kish, Baal, Nadab; Gedor, Ahio, at Zeker. Naging anak ni Miclot si Shimeah. At sila nama'y nanirahang kasama ng kanilang mga kapatid sa Jerusalem, sa tapat ng kanilang mga kapatid. At naging anak ni Ner si Kish; at naging anak ni Kish si Saul; at naging anak ni Saul sina Jonathan, Malkishua, Abinadab, at Esbaal. Ang anak ni Jonathan ay si Merib-baal; at naging anak ni Merib-baal si Micaias. Ang mga anak ni Micaias: sina Piton, Melee, Tarea, at Ahaz. At naging anak ni Ahaz si Jehoada; at naging anak ni Jehoada si Alemet, at si Azmavet, at Zimri; at naging anak ni Zimri si Mosa; at naging anak ni Mosa si Bina; si Rafa na kanyang anak, si Elesa na kanyang anak, si Asel na kanyang anak: si Asel ay nagkaroon ng anim na anak na ang mga pangalan ay: Azricam, Bocru, Ismael, Searias, Obadias, at Hanan. Lahat ng mga ito ay mga anak ni Asel. Ang mga ito ang anak ni Eshek na kanyang kapatid: si Ulam na kanyang panganay, si Jeus na ikalawa, at si Elifelet na ikatlo. Ang mga anak ni Ulam ay matatapang na mandirigma, mga mamamana, at nagkaroon ng maraming anak, at mga apo, na isandaan at limampu. Lahat ng ito'y mula sa mga anak ni Benjamin. Sa gayon ang buong Israel ay itinala ayon sa mga talaan ng angkan; at sila'y nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Israel. At ang Juda ay naging bihag sa Babilonia dahil sa kanilang pagtataksil. Ang mga unang nanirahan sa kanilang mga ari-arian sa kanilang mga bayan ay mga Israelita, mga pari, mga Levita, at ang mga lingkod sa templo. Sa Jerusalem ay nanirahan ang iba sa mga anak nina Juda, Benjamin, Efraim, at Manases: si Utai, na anak ni Amihud, na anak ni Omri, na anak ni Imri, na anak ni Bani, sa mga anak ni Perez na anak ni Juda. Sa mga Shilonita: si Asaya na panganay, at ang kanyang mga anak. Sa mga anak ni Zera: si Jehuel, at ang kanilang mga kapatid, na animnaraan at siyamnapu. At sa mga anak ni Benjamin: si Sallu, na anak ni Mesulam, na anak ni Hodavias, na anak ni Hasenua; at si Ibnias na anak ni Jeroham, at si Ela na anak ni Uzi, na anak ni Michri, at si Mesulam na anak ni Shefatias, na anak ni Reuel, na anak ni Ibnias; at ang kanilang mga kapatid, ayon sa kanilang mga lahi ay siyam-naraan at limampu't anim. Lahat ng mga lalaking ito ay mga puno sa mga sambahayan ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga magulang. Sa mga pari: sina Jedias, Jehoiarib, at Jakin, Si Azarias na anak ni Hilkias, na anak ni Mesulam, na anak ni Zadok, na anak ni Meraiot, na anak ni Ahi-tub, na tagapamahala sa bahay ng Diyos; si Adaya na anak ni Jeroham, na anak ni Pashur, na anak ni Malkia, at si Mahsai na anak ni Adiel, na anak ni Jazera, na anak ni Mesulam, na anak ni Mesillemith, na anak ni Imer; bukod sa kanilang mga kapatid, mga puno sa mga sambahayan ng kanilang mga magulang, na isang libo at pitong daan at animnapu. Sila'y mga lalaking may kakayahan sa gawaing paglilingkod sa bahay ng Diyos. At sa mga Levita: si Shemaya na anak ni Hashub, na anak ni Azricam, na anak ni Hashabias sa mga anak ni Merari; at sina Bacbacar, Heres, Galal, at si Matanias na anak ni Mikas, na anak ni Zicri, na anak ni Asaf; at si Obadias na anak ni Shemaya, na anak ni Galal, na anak ni Jedutun, at si Berequias na anak ni Asa na anak ni Elkana, na nanirahan sa mga nayon ng mga Netofatita. Ang mga bantay sa pinto ay sina Shallum, Acub, Talmon, Ahiman at ang kanilang mga kapatid (si Shallum ang pinuno), na hanggang ngayo'y nananatili sa pintuang-daan ng hari na dakong silangan. Sila ang mga bantay sa pinto sa kampo ng mga anak ni Levi. Si Shallum na anak ni Kora, na anak ni Abiasat, na anak ni Kora, at ang kanyang mga kapatid, sa sambahayan ng kanyang magulang, ang mga Korahita, ang namamahala sa gawaing paglilingkod, mga tagapag-bantay ng mga pintuang-daan ng tolda, kung paanong ang kanilang mga ninuno ay mga tagapamahala sa kampo ng PANGINOON, na mga bantay ngpasukan. Si Finehas na anak ni Eleazar ay pinuno nila nang panahong nakaraan, at ang PANGINOON ay kasama niya. Si Zacarias na anak ni Meselemia ay bantay sa pinto ng toldang tipanan. Lahat ng mga ito na pinili upang maging mga bantay sa pinto sa mga tarangkahan ay dalawandaan at labindalawa. Ang mga ito'y itinalaga ayon sa talaan ng lahi sa kanilang mga nayon na siyang pinagkatiwalaan sa kanilang katungkulan nina David at ni Samuel na tagakita ng pangitain. Kaya't sila at ang kanilang mga anak ay tagapamahala sa mga pintuan ng bahay ng PANGINOON, samakatuwid ay ang bahay ng tolda bilang mga bantay. Ang mga bantay sa pinto ay nasa apat na sulok sa dakong silangan, kanluran, hilaga at timog. Ang kanilang mga kamag-anak na nasa mga nayon ay sapilitang pinapapasok tuwing ikapitong araw, tuwing kapanahunan, upang makasama ng mga ito, sapagkat ang apat na bantay ng pinto na mga Levita ay tagapamahala ng mga silid at mga kayamanan sa bahay ng Diyos. Sila'y naninirahan sa palibot ng bahay ng Diyos, sapagkat tungkulin nila ang pagbabantay at pagbubukas nito tuwing umaga. Ang ilan sa kanila ay nangangasiwa sa mga kasangkapan na ginagamit sa paglilingkod, sapagkat kailangan nilang bilangin ang mga ito kapag ipinapasok at inilalabas. Ang iba sa kanila ay itinalaga sa kasangkapan, sa lahat ng mga banal na kasangkapan, sa piling harina, sa alak, sa langis, at sa insenso, at sa mga pabango. Ang ilan sa mga anak ng mga pari ay naghahanda ng pagtitimpla ng mga pabango. Si Matithias, isa sa mga Levita, na siyang panganay ni Shallum na Korahita ay tagapamahala sa paggawa ng manipis na tinapay. Ang ilan sa kanilang mga kapatid sa mga anak ng mga Kohatita, ay tagapamahala sa tinapay na handog upang ihanda bawat Sabbath. Ang mga ito ang mga mang-aawit, mga puno sa mga sambahayan ng mga magulang ng mga Levita, na naninirahan sa mga silid at malaya sa ibang katungkulan, sapagkat sila'y naglilingkod araw at gabi. Ang mga ito ay mga puno sa mga sambahayan ng mga magulang ng mga Levita, ayon sa kanilang salinlahi, mga pinuno na naninirahan sa Jerusalem. Sa Gibeon ay nanirahan ang ama ni Gibeon, si Jehiel, at ang pangalan ng kanyang asawa ay Maaca. Ang kanyang anak na panganay ay si Abdon, na sinundan nina Zur, Kish, Baal, Ner, Nadab; Gedor, Ahio, Zacarias, at Miclot. At naging anak ni Miclot si Samaam. At sila'y nanirahan ding katapat ng kanilang mga kapatid sa Jerusalem, kasama ng kanilang mga kapatid. Si Ner ang ama ni Kish; at naging anak ni Kish si Saul; at naging anak ni Saul sina Jonathan, Malkishua, Abinadab.at Esbaal. At ang anak ni Jonathan ay si Merib-baal; at naging anak ni Merib-baal si Micaias. Ang mga anak ni Micaias ay sina Piton, Melee, Tarea, at Ahaz. At naging anak ni Ahaz si Jara; at naging anak ni Jara sina Alemet, Azmavet, at Zimri; at naging anak ni Zimri si Mosa. Naging anak ni Mosa si Bina; at si Refaias, Elesa at Asel ang kanyang mga anak. Si Asel ay nagkaroon ng anim na anak, ito ang kanilang mga pangalan: Azricam, Bocru, Ismael, Seraia, Obadias, at Hanan. Ang mga ito ang mga naging anak ni Asel. Ang mga Filisteo ay nakipaglaban sa Israel, at ang mga kalalakihan ng Israel ay tumakas sa mga Filisteo, at patay na nabuwal sa Bundok ng Gilboa. Inabutan ng mga Filisteo si Saul at ang kanyang mga anak. Pinatay ng mga Filisteo sina Jonathan, Abinadab, at Malkishua, na mga anak ni Saul. Ang paglalaban ay tumindi laban kay Saul. Inabutan siya ng mga mamamana at siya'y sinugatan ng mga ito. Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kanyang tagadala ng sandata, "Bunutin mo ang iyong tabak, at itusok mo sa akin, baka ang mga hindi tuling ito ay dumating at paglaruan ako." Ngunit ayaw ng kanyang tagadala ng sandata, sapagkat siya'y lubhang natakot. Kaya't kinuha ni Saul ang kanyang tabak at ibinuwal ang sarili doon. Nang makita ng kanyang tagadala ng sandata na si Saul ay patay na, kinuha rin niya ang kanyang tabak at ibinuwal din ang sarili at namatay. Gayon namatay si Saul at ang kanyang tatlong anak; at ang kanyang buong sambahayan ay namatay na magkakasama. Nang makita ng lahat ng kalalakihan ng Israel na nasa libis na tumakas ang hukbo, at si Saul at ang kanyang mga anak ay patay na, kanilang iniwan ang kanilang mga bayan at tumakas. Ang mga Filisteo ay dumating at nanirahan sa mga iyon. Kinaumagahan, nang dumating ang mga Filisteo upang hubaran ang mga napatay, kanilang natagpuan si Saul at ang kanyang mga anak na patay na sa Bundok ng Gilboa. Kanilang hinubaran siya at kinuha ang kanyang ulo at ang kanyang sandata, at nagpadala ng mga sugo sa buong lupain ng mga Filisteo upang dalhin ang mabuting balita sa kanilang mga diyus-diyosan at sa mga tao. Inilagay nila ang kanyang sandata sa bahay ng kanilang mga diyos, at ikinabit ang kanyang ulo sa bahay ni Dagon. Ngunit nang nabalitaan ng buong Jabes-gilead ang lahat ng ginawa ng mga Filisteo kay Saul, ang lahat ng matatapang na lalaki ay tumindig, at kinuha ang bangkay ni Saul at ang mga bangkay ng kanyang mga anak, at dinala sa Jabes. Inilibing nila ang kanilang mga buto sa ilalim ng ensina sa Jabes, at nag-ayuno ng pitong araw. Sa gayo'y namatay si Saul dahil sa kanyang kataksilan. Naging taksil siya sa PANGINOON, sapagkat hindi niya sinunod ang utos ng PANGINOON. Bukod dito'y sumangguni siya sa tumatawag ng espiritu ng patay, at humihingi ng patnubay, at hindi humingi ng patnubay sa PANGINOON. Kaya't siya'y kanyang pinatay at inilipat ang kaharian kay David na anak ni Jesse. Nang magkagayon, ang buong Israel ay sama-samang nagtipon kay David sa Hebron, at sinabi, "Kami ay iyong buto at laman. Nang mga panahong nakaraan, maging noong hari pa si Saul, ikaw ang pumapatnubay at namumuno sa Israel, at sinabi sa iyo ng PANGINOON mong Diyos, 'Ikaw ay magiging pastol ng aking bayang Israel, at ikaw ay magiging pinuno ng aking bayang Israel.'" Kaya't lahat ng matatanda sa Israel ay pumunta sa hari na nasa Hebron. Si David ay gumawa ng tipan sa kanila sa Hebron sa harapan ng PANGINOON, at kanilang binuhusan ng langis si David bilang hari sa Israel, ayon sa salita ng PANGINOON sa pamamagitan ni Samuel. Si David at ang buong Israel ay pumunta sa Jerusalem na siyang Jebus, na kinaroroonan ng mga Jebuseo, ang mga naninirahan sa lupain. At sinabi ng mga naninirahan sa Jebus kay David, "Ikaw ay hindi makakapasok dito." Gayunma'y sinakop ni David ang muog ng Zion na ngayo'y lunsod ni David. Sinabi ni David, "Sinumang unang sumalakay sa mga Jebuseo ay magiging pinuno at kapitan." Si Joab na anak ni Zeruia ay unang umahon kaya't siya'y naging pinuno. At si David ay nanirahan sa muog kaya't kanilang tinawag iyon na lunsod ni David. Kanyang itinayo ang bayan sa palibot mula sa Milo hanggang sa palibot, at inayos ni Joab ang ibang bahaging lunsod. Si David ay patuloy na naging dakila sapagkat ang PANGINOON ng mga hukbo ay kasama niya. Ang mga ito ang mga pinuno ng magigiting na mandirigma ni David na tumulong sa kanya sa kanyang kaharian, kasama ng buong Israel, upang gawin siyang hari, ayon sa salita ng PANGINOON tungkol sa Israel. Ito ang bilang ng magigiting na mandirigma ni David: si Jasobeam, anak ng isang Hacmonita, na pinuno ng tatlumpu. Siya ang nagtaas ng kanyang sibat laban sa tatlong daan, at kanyang pinatay sila nang minsanan. Kasunod niya ay si Eleazar na anak ni Dodo na Ahohita, isa sa tatlong magigiting na lalaki. Siya'y kasama ni David sa Pasdamin nang ang mga Filisteo ay nagtipon upang lumaban. Mayroong kapirasong lupain na puno ng sebada, at ang mga lalaki ay tumakas sa mga Filisteo. Ngunit sila'y tumayo sa gitna ng lupain at ipinagtanggol ito at pinatay ang mga Filisteo; at iniligtas sila ng PANGINOON sa pamamagitan ng isang malaking tagumpay. Tatlo sa tatlumpung pinuno ang bumaba kay David sa malaking bato sa loob ng yungib ng Adullam, nang ang hukbo ng mga Filisteo ay nakahimpil sa libis ng Refaim. Noon, si David ay nasa muog, at ang pulutong ng mga Filisteo ay nasa Bethlehem. At sinabi ni David na may pananabik, "O may magbigay sana sa akin ng tubig na maiinom mula sa balon ng Bethlehem na nasa tabi ng pintuang-bayan!" At ang tatlo ay pumasok sa kampo ng mga Filisteo, at sumalok ng tubig sa balon ng Bethlehem na nasa tabi ng pintuang-bayan, at kinuha at dinala kay David. Ngunit ayaw ni David na inumin iyon, kundi ibinuhos ito sa PANGINOON, at sinabi, "Huwag itulot sa akin ng aking Diyos na aking gawin ito. Iinumin ko ba ang dugo ng mga lalaking ito? Sapagkat kanilang inilagay sa panganib ang kanilang buhay sa pagkuha nito." Kaya't hindi niya mainom iyon. Ang mga bagay na ito ay ginawa ng tatlong mandirigma. Abisai na kapatid ni Joab, ay pinuno ng tatlumpu. Kanyang itinaas ang kanyang sibat laban sa tatlong daan at sila'y kanyang pinatay, at nagkaroon ng pangalan kasama ng tatlo. Sa tatlo, siya'y lalong marangal kaysa dalawa, at ginawang kanilang pinunong kawal: gayon ma'y hindi siya napasama sa tatlo. Si Benaya na anak ni Jehoiada ay isang matapang na lalaki ng Kabzeel na gumawa ng mga dakilang gawa. Kanyang pinatay ang dalawang anak ni Ariel na taga-Moab. Siya'y bumaba rin at pumatay ng isang leon sa isang hukay nang araw na bumagsak na ang yelo. Siya'y pumatay ng isang Ehipcio na isang lalaking matipuno na may limang siko ang taas. Sa kamay ng Ehipcio ay may isang sibat na gaya ng panghabi ng manghahabi; ngunit si Benaya ay bumaba sa kanya na may tungkod at inagaw ang sibat sa kamay ng Ehipcio, at kanyang pinatay siya ng kanyang sariling sibat. Ang mga bagay na ito ay ginawa ni Benaya na anak ni Jehoiada, at siya ay naging tanyag tulad ng tatlong mandirigma. Siya'y kilala sa tadumpu, ngunit hindi siya napasama sa tatlo, at ginawa siya ni David na pinuno ng mga tanod. Ang mga mandirigma sa mga hukbo ay sina Asahel na kapatid ni Joab, si Elhanan na anak ni Dodo na taga-Bethlehem; si Samoth na Arorita, si Heles na Pelonita; si Ira na anak ni Ikkes na taga-Tekoa, si Abiezer na taga-Anatot; si Shibecai na Husatita, si Ilai na Ahohita; si Maharai na taga-Netofa, si Heled na anak ni Baana na taga-Netofa; si Ithai na anak ni Ribai na taga-Gibea, sa mga anak ni Benjamin, si Benaya na taga-Piraton; si Hurai sa mga batis ng Gaas, si Abiel na Arbatita; si Azmavet na Baharumita, si Eliaba na Saalbonita; ang mga anak ni Asem na Gizonita, si Jonathan na anak ni Saje na Hararita; si Ahiam na anak ni Sacar, na Hararita, si Elifal na anak ni Ur; si Hefer na Meceratita, si Ahia na Felonita; si Hesro na Carmelita, si Nahari naanak ni Ezbai; si Joel na kapatid ni Natan, si Mibhar na anak ni Agrai, si Selec na Ammonita, si Naarai na Berotita, na tagadala ng sandata ni Joab na anak ni Zeruia; si Ira na Itreo, si Gareb na Itreo: si Urias na Heteo, si Zabad na anak ni Ahli; si Adina na anak ni Siza na Rubenita, na pinuno ng mga Rubenita, at tatlumpu ang kasama niya; si Hanan na anak ni Maaca, at si Joshafat na Mitnita; si Uzia na Astarotita, si Samma at si Jehiel na mga anak ni Hotam na Harorita; si Jediael na anak ni Simri; at si Joha na kanyang kapatid, na Tisaita; si Eliel na Mahavita, at si Jeribai, at si Josabias na mga anak ni Elnaam, at si Itma na Moabita; si Eliel, si Obed, si Jaasiel, na Mesobiata. Ang mga ito ang pumunta kay David sa Siclag, habang siya'y hindi malayang makagalaw dahil kay Saul na anak ni Kish. Sila'y kabilang sa magigiting na mandirigma na tumulong sa kanya sa digmaan. Sila'y mga mamamana at nakakatudla ng pana at nakapagpapakawala ng mga bato sa pamamagitan ng kanan o kaliwang kamay. Sila'y mga taga-Benjamin, mga kamag-anak ni Saul. Ang pinuno ay sina Ahiezer at Joas, na mga anak ni Shemaa na taga-Gibea; at sina Jeziel at Pelet, na mga anak ni Azmavet; at sina Beraca at Jehu na taga-Anatot; si Ismaias na Gibeonita, isang mandirigma na kabilang sa tatlumpu at pinuno ng tatlumpu; sina Jeremias, Jahaziel, Johanan, at Jozabad ng Gedera; sina Eluzai, Jerimot, Bealias, Shemarias, at Shefatias na Harufita; sina Elkana, Ishias, Azarel, Joezer, at Jasobeam, na mga Korahita; sina Joela, at Zebadias, na mga anak ni Jeroham na taga-Gedor. At sa mga Gadita ay sumama kay David sa muog sa ilang ang magigiting at bihasang mandirigma, sanay sa kalasag at sibat; na ang mga mukha nila ay gaya ng mga mukha ng mga leon, at sila'y maliliksing gaya ng mga usa sa mga bundok: Eser ang pinuno, si Obadias ang ikalawa, si Eliab ang ikatlo; Mismana ang ikaapat, si Jeremias ang ikalima; Attai ang ikaanim, si Eliel ang ikapito; si Johanan ang ikawalo, si Elzabad ang ikasiyam; si Jeremias ang ikasampu, si Macbani ang ikalabing-isa. Ang mga anak na ito ni Gad ay mga pinunong kawal ng hukbo; ang pinakamaliit ay higit sa isang daan, at ang pinakamalaki ay higit sa isang libo. Ito ang mga lalaking nagsitawid sa Jordan sa unang buwan, nang ito'y umaapaw sa lahat nitong mga pampang, at kanilang pinatakas ang lahat ng nasa mga libis, sa silangan, at sa kanluran. Pumunta sa muog na kinaroroonan ni David ang ilan sa mga anak ni Benjamin at Juda. Si David ay lumabas upang salubungin sila at sinabi sa kanila, "Kung kayo'y pumarito sa akin para sa kapayapaan at upang tulungan ako, ang aking puso ay mapapalakip sa inyo. Ngunit kung upang ipagkanulo ako sa aking mga kaaway, gayong walang kasamaan sa aking mga kamay, makita nawa ito ng Diyos ng ating mga ninuno at sawayin kayo." At ang Espiritu ay dumating kay Amasai na pinuno ng tatlumpu, at sinabi niya, "Kami ay sa iyo, David, at kasama mo, o anak ni Jesse! Kapayapaan, kapayapaan ang sumaiyo, at kapayapaan sa iyong mga katulong; sapagkat tinutulungan ka ng iyong Diyos." Nang magkagayo'y tinanggap sila ni David at ginawa silang mga pinunong kawal ng kanyang hukbo. Ang ilan sa mga tauhan ni Manases ay kumampi kay David, nang siya'y pumaroong kasama ng mga Filisteo upang lumaban kay Saul. Gayunman sila'y hindi niya tinulungan sapagkat ang mga pinuno ng mga Filisteo ay nagpulong at pinaalis siya, na sinasabi, "Malalagay lamang sa panganib ang ating buhay sapagkat kakampi pa rin siya sa kanyang panginoong si Saul." Sa pagpunta niya sa Siklag, ang mga tauhang ito ni Manases ay kumampi sa kanya: sina Adnas, Jozabad, Jediael, Micael, Jozabad, Eliu, at Siletai, na mga pinunong kawal ng mga libu-libo sa Manases. Kanilang tinulungan si David laban sa pulutong ng mga magnanakaw, sapagkat silang lahat ay matatapang na mandirigma at mga pinunong kawal sa hukbo. Sa araw-araw ay may mga taong pumupunta kay David upang tumulong sa kanya, hanggang sa nagkaroon ng malaking hukbo, gaya ng isang hukbo ng Diyos. Ito ang mga bilang ng mga pangkat ng hukbong nasasandatahan na pumunta kay David sa Hebron, upang ibigay ang kaharian ni Saul sa kanya, ayon sa salita ng PANGINOON. Ang mga anak ni Juda na humahawak ng kalasag at sibat ay anim na libo at walong daang hukbong nasasandatahan. Sa mga anak ni Simeon, pitong libo at isandaang magigiting na mandirigma. Sa mga anak ni Levi ay apat na libo at animnaraan. At kasama ni Jehoiada na pinuno ng sambahayan ni Aaron ang tatlong libo at pitong daan; at si Zadok, na isang binatang magiting na mandirigma, at ang dalawampu't dalawang pinunong kawal mula sambahayan ng kanyang ninuno. Sa mga anak ni Benjamin, na mga kapatid ni Saul ay tatlong libo, sapagkat ang karamihan sa kanila ay nanatiling tapat sa sambahayan ni Saul. Sa mga anak ni Efraim ay dalawampung libo at walong daang magigiting na mandirigma, mga tanyag na lalaki sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno. Sa kalahating lipi ng Manases ay labingwalong libo na itinalaga sa pamamagitan ng mga pangalan, upang pumaroon at gawing hari si David. Sa mga anak ni Isacar na nakakaunawa ng mga panahon, upang malaman kung ano ang marapat gawin ng Israel ay dalawandaang pinuno, at ang lahat nilang kapatid ay nasa kanilang pamumuno. Sa Zebulon ay limampung libong sanay sa pakikipaglaban na handa sa lahat ng uri ng sandatang pandigma, at may iisang layuning tumulong. Sa Neftali ay sanlibong pinunong kawal at may kasamang tatlumpu't pitong libong katao na may kalasag at sibat. Sa mga Danita ay dalawampu't walong libo at animnaraan na handa para sa pakikipaglaban. Sa Aser ay apatnapung libong kawal na sanay sa pakikipaglaban at handa sa digmaan. At sa mga Rubenita, mga Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases, mula sa kabilang ibayo ng Jordan ay isandaan at dalawampung libong katao na mayroong lahat ng uri ng sandatang pandigma. Lahat ng mga ito, mga mandirigmang handa sa pakikipaglaban, ay pumunta sa Hebron na may buong layunin na gawing hari si David sa buong Israel. Gayundin, ang iba pa sa Israel ay nagkaisa na gawing hari si David. Sila'y naroong kasama ni David sa loob ng tatlong araw, kumakain at umiinom, sapagkat ipinaghanda sila ng kanilang mga kapatid. Gayundin ang kanilang mga kalapit-bayan, hanggang sa Isacar, Zebulon at Neftali ay dumating na may dalang tinapay na nasa mga asno, mga kamelyo, mga mola, mga baka, mga sari-saring pagkain, mga tinapay na igos, mga buwig ng pasas, alak at langis, mga baka at tupa, sapagkat may kagalakan sa Israel. Sumangguni si David sa mga pinunong kawal ng mga libu-libo, at mga daan-daan, at sa bawat pinuno. Sinabi ni David sa buong kapulungan ng Israel, "Kung inaakala ninyong mabuti at kung kalooban ng PANGINOON nating Diyos, ay ipatawag natin ang ating mga kapatid na nananatili sa buong lupain ng Israel, kabilang ang mga pari at mga Levita sa kanilang mga bayan na may mga pastulan, upang sila'y sama-samang pumarito sa atin. Pagkatapos ay muli nating dalhin ang kaban ng ating Diyos sa atin, sapagkat ito'y kinaligtaan natin sa mga araw ni Saul." At ang buong kapulungan ay sumang-ayon na kanilang gawin ang gayon, sapagkat iyon ay matuwid sa paningin ng buong bayan. Kaya't tiniponni David ang buong Israel mula sa Sihor ng Ehipto hanggang sa pasukan sa Hamat, upang dalhin ang kaban ng Diyos mula sa Kiryat-jearim. At si David at ang buong Israel ay umahon sa Baala, samakatuwid ay sa Kiryat-jearim na sakop ng Juda, upang dalhin mula roon ang kaban ng Diyos, tinatawag ayon sa pangalan ng PANGINOON na nakaupo sa ibabaw ng kerubin. Kanilang dinala ang kaban ng Diyos na nakasakay sa isang bagong kariton mula sa bahay ni Abinadab. Sina Uzah at Ahio ang nagpapatakbo ng kariton. At si David at ang buong Israel ay nagkakasayahan sa harapan ng Diyos nang buong lakas nila, na may mga awit, mga alpa, mga lira, mga tamburin, mga pompiyang, at mga trumpeta. Nang sila'y dumating sa giikan ng Kidon, iniunat ni Uzah ang kanyang kamay upang hawakan ang kaban, sapagkat natisod ang mga baka. At ang galit ng PANGINOON ay nagningas laban kay Uzah, at siya'y kanyang sinaktan sapagkat siya'y humawak sa kaban, at doo'y namatay siya sa harapan ng Diyos. Kaya't sumama ang loob ni David sapagkat nagalit ang PANGINOON kay Uzah, at kanyang tinawag ang dakong iyon na Perez-uzav hanggang sa araw na ito. At si David ay natakot sa Diyos nang araw na iyon, na nagsasabi, "Paano ko maiuuwi ang kaban ng Diyos?" Kaya't hindi inilipat ni David ang kaban sa lunsod ni David, kundi ito'y dinala sa bahay ni Obed-edom na Geteo. Ang kaban ng Diyos ay nanatili sa sambahayan ni Obed-edom sa kanyang bahay nang tatlong buwan. At pinagpala ng PANGINOON ang sambahayan ni Obed-edom, at ang lahat niyang ari-arian. Si Hiram na hari ng Tiro ay nagpadala ng mga sugo kay David, at ng mga puno ng sedro, mga tagatapyas ng bato at mga karpintero upang ipagtayo siya ng bahay. At nabatid ni David na itinatag siya ng PANGINOON bilang hari ng Israel, at ang kanyang kaharian ay itinaas nang mataas alang-alang sa kanyang bayang Israel. Si David ay kumuha pa ng mga asawa sa Jerusalem. Si David ay nagkaanak pa ng mga lalaki at mga babae. Ito ang mga pangalan ng mga naging anak niya sa Jerusalem: sina Samua, Sobab, Natan, Solomon, sina Ibhar, Elisua, Elfelet; Noga, Nefeg, Jafia; Elisama, Beeliada, at Elifelet. Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ay binuhusan ng langis upang maging hari sa buong Israel, nagsiahon ang lahat ng Filisteo upang hanapin si David. Nabalitaan ito ni David at siya'y lumabas laban sa kanila. Ang mga Filisteo ay dumating at gumawa ng pagsalakay sa libis ng Refaim. At si David ay sumangguni sa Diyos, na nagsasabi, 'Aahon ba ako laban sa mga Filisteo? Ibibigay mo ba sila sa aking kamay?" At sinabi ng PANGINOON sa kanya, "Umahon ka, sapagkat ibibigay ko sila sa iyong kamay." Kaya't umahon sila sa Baal-perazim at doo'y nagapi sila ni David. At sinabi ni David, "Sinambulat ng Diyos ang aking mga kaaway sa pamamagitan ng aking kamay na gaya ng sumambulat na baha." Kaya't kanilang tinawag ang dakong iyon na Baal-perazim. Kanilang iniwan doon ang kanilang mga diyos at ipinag-utos ni David na sunugin ang mga iyon. At muling sumalakay ang mga Filisteo sa libis. Nang si David ay muling sumangguni sa Diyos, sinabi ng Diyos sa kanya, "Huwag kang aahong kasunod nila; lumigid ka at salakayin mo sila sa tapat ng mga puno ng balsamo. Kapag iyong narinig ang hugong ng lakad sa mga dulo ng mga puno ng balsamo, ikaw nga ay lalabas sa pakikipaglaban, sapagkat ang Diyos ay humayo sa unahan mo upang lupigin ang hukbo ng mga Filisteo." Ginawa ni David kung ano ang iniutos sa kanya ng Diyos; at kanilang pinatay ang hukbo ng mga Filisteo mula sa Gibeon hanggang sa Gezer. At ang katanyagan ni David ay lumaganap sa lahat ng lupain; nilagyan ng PANGINOON ng takot sa kanya ang lahat ng mga bansa. Gumawa si David ng mga bahay para sa kanya sa lunsod ni David; at ipinaghanda niya ng isang dako ang kaban ng Diyos, at nagtayo para roon ng isang tolda. Nang magkagayo'y sinabi ni David, "Walang dapat magdala ng kaban ng Diyos kundi ang mga Levita, sapagkat sila ang pinili ng PANGINOON upang magdala ng kaban ng Diyos at maglingkod sa kanya magpakailanman." Tinipon ni David ang buong Israel sa Jerusalem upang iahon ang kaban ng PANGINOON sa lugar nito na kanyang inihanda para rito. At tinipon ni David ang mga anak ni Aaron at ang mga Levita; sa mga anak ni Kohat: si Uriel na pinuno at ang kanyang mga kapatid, isandaan at dalawampu; sa mga anak ni Merari: si Asaya na pinuno at ang dalawandaan at dalawampu sa kanyang mga kapatid, sa mga anak ni Gershon: si Joel na pinuno, at ang isandaan at tatlumpu sa kanyang mga kapatid, sa mga anak ni Elisafan: si Shemaya na pinuno, at ang dalawandaan sa kanyang kapatid, sa mga anak ni Hebron: si Eliel na pinuno, at ang kanyang walumpung mga kapatid, sa mga anak ni Uziel: si Aminadab na pinuno, at ang kanyang isandaan at labindalawang mga kapatid. Ipinatawagni David ang mga paring sina Zadok at Abiatar, at ang mga Levita na sina Uriel, Asaya, Joel, She-maya, Eliel, at Aminadab, at kanyang sinabi sa kanila, "Kayo ang mga pinuno sa mga sambahayan ng mga Levita. Magpakabanal kayo, kayo at ang inyong mga kapatid, upang inyong maiahon ang kaban ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel, sa dakong aking inihanda para rito. Sapagkat dahil sa hindi ninyo dinala ito nang una, ang PANGINOON nating Diyos ay nagalit sa atin, sapagkat hindi natin siya hinanap ayon sa utos." Sa gayo'y ang mga pari at ang mga Levita ay nagpakabanal upang iahon ang kaban ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel. At binuhat ng mga anak ng mga Levita ang kaban ng Diyos sa kanilang mga balikat sa pamamagitan ng mga pasanan, gaya ng iniutos ni Moises ayon sa salita ng PANGINOON. Inutusan rin ni David ang pinuno ng mga Levita na italaga ang kanilang mga kapatid bilang mga mang-aawit na tutugtog sa mga panugtog, mga alpa, mga lira at mga pompiyang, upang magpailanlang ng mga tunog na may kagalakan. Kaya't hinirang ng mga Levita si Heman na anak ni Joel; at sa kanyang mga kapatid ay si Asaf na anak ni Berequias; at sa mga anak ni Merari na kanilang mga kapatid ay si Etan na anak ni Cusaias. Kasama nila ang kanilang mga kapatid mula sa ikalawang pangkat: sina Zacarias, Ben, Jaaziel, Semiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Benaya, Maasias, Matithias, Eliphelehu, Micnias, Obed-edom, at Jehiel, na mga bantay sa pinto. Ang mga mang-aawit na sina Heman, Asaf, at Etan, ay tutugtog ng mga pompiyang na tanso, sina Zacarias, Aziel, Semiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Maasias, at Benaya, ay tutugtog ng mga alpa ayon kay Alamot; ngunit sina Matithias, Elifelehu, Micnias, Obed-edom, Jehiel, at si Azazias, ay mangunguna sa pagtugtog ng mga alpa ayon sa Sheminith. Si Kenanias na pinuno ng mga Levita sa musika ay siyang mangangasiwa sa pag-awit sapagkat nauunawaann iya ito. Sina Berequias, at Elkana ay mga bantay ng pintuan para sa kaban. Sina Sebanias, Joshafat, Natanael, Amasai, Zacarias, Benaya at si Eliezer na mga pari, ang magsisihihip ng mga trumpeta sa harapan ng kaban ng Diyos. Sina Obed-edom at Jehias ay mga bantay rin sa pintuan para sa kaban. Kaya't si David at ang matatanda sa Israel at ang mga punong kawal sa mga libu-libo, ay umalis upang iahon na may kagalakan ang kaban ng tipan ng PANGINOON mula sa bahay ni Obed-edom: Sapagkat tinulungan ng Diyos ang mga Levita na nagdadala ng kaban ng tipan ng PANGINOON, sila'y naghandog ng pitong baka at pitong rupa. Si David ay may suot na isang balabal na pinong lino, gayundin ang lahat ng Levita na nagpapasan ng kaban, at ang mga mang-aawit, si Kenanias na tagapamahala sa awit ng mga mang-aawit; at si David ay may suot na efod na lino. Sa gayon iniahon ng buong Israel ang kaban ng tipan ng PANGINOON na may mga sigawan, may mga tunog ng tambuli, mga trumpeta at may mga pompiyang, at tumugtog nang malakas sa mga alpa at mga lira. Nangyari nga, samantalang ang kaban ng tipan ng PANGINOON ay dumarating sa lunsod ni David, si Mical na anak ni Saul ay tumanaw sa bintana, at nakita niya si Haring David na sumasayaw at nagsasaya; at kanyang hinamak siya sa kanyang puso. Kanilang ipinasok ang kaban ng Diyos, at inilagay sa gitna ng tolda na itinayo ni David para rito, at sila'y naghandog ng mga handog na sinusunog, at mga handog pangkapayapaan sa harapan ng Diyos. Pagkatapos makapaghandog si David ng handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan, kanyang binasbasan ang bayan sa pangalan ng PANGINOON. Siya'y namahagi sa buong Israel, sa lalaki at gayundin sa babae, sa bawat isa ng isang tinapay at isang bahaging laman, at mga tinapay na pasas. Bukod dito'y hinirang niya ang ilan sa mga Levita upang maglingkod sa harapan ng kaban ng PANGINOON, at upang manalangin, magpasalamat, at magpuri sa PANGINOON, ang Diyos ng Israel. Si Asaf ang pinuno, at ang ikalawa'y sina Zacarias, Jeiel, Semiramot, Jehiel, Matithias, Eliab, Benaya, Obed-edom, at si Jeiel, na sila ang tutugtog sa mga alpa at mga lira. Si Asaf ang magpapatunog ng pompiyang, at sina Benaya at Jahaziel na mga pari ang patuloy na hihihip sa mga tambuli sa harapan ng kaban ng tipan ng Diyos. Nang araw na iyon ay unang iniutos ni David na ang pagpapasalamat ay awitin sa PANGINOON, sa pamamagitan ni Asaf at ng kanyang mga kapatid. O kayo'y magpasalamat sa PANGINOON, tumawag kayo sa kanyang pangalan; ipakilala ninyo sa mga bayan ang kanyang mga gawa. Umawit kayo sa kanya, magsiawit kayo ng mga papuri sa kanya; ipahayag ninyo ang lahat niyang mga kamangha-manghang gawa. Lumuwalhati kayo sa kanyang banal na pangalan; magalak ang puso ng mga nagsisihanap sa PANGINOON. Hanapin ninyo ang PANGINOON at ang kanyang lakas; palagi ninyong hanapin ang kanyang pakikiharap. Alalahanin ninyo ang kanyang kamanghamanghang mga gawa na kanyang ginawa; ang kanyang mga kababalaghan, ang mga hatol na kanyang binigkas, O kayong binhi ni Israel na kanyang lingkod, kayong mga anak ni Jacob na kanyang pinili. Siya ang PANGINOON nating Diyos; ang kanyang mga hatol ay nasa buong lupa. Alalahanin ninyo ang kanyang tipan magpakailanman, ang salita na kanyang iniutos sa libu-libong salinlahi; ang tipan na kanyang ginawa kay Abraham, at ang kanyang pangakong isinumpa kay Isaac, na kanyang pinagtibay bilang isang tuntunin kay Jacob, bilang isang walang hanggang tipan kay Israel, na sinasabi, "Ibibigay ko sa iyo ang lupain ng Canaan, ang bahagi ng inyong mana." Noong sila'y kakaunti sa bilang; at wala pang gasinong halaga, at nakikipamayan doon; na nagpagala-gala sa iba't ibang bansa, mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan, hindi niya hinayaan na pagmalupitan sila ng sinuman, kanyang sinaway ang mga hari dahil sa kanila; na sinasabi, "Huwag ninyong galawin ang aking mga pinahiran ng langis, huwag ninyong saktan ang aking mga propeta!" Kayo'y magsiawit sa PANGINOON, buong lupa, ihayag ninyo ang kanyang pagliligtas sa araw-araw. Ipahayag ninyo ang kanyang kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa, ang kanyang mga kamanghamanghang gawa sa gitna ng lahat ng mga bayan. Sapagkat dakila ang PANGINOON at karapat-dapat purihin. Siya'y marapat na katakutan nang higit sa lahat ng diyos. Sapagkat lahat ng diyos ng mga bayan ay mga diyus-diyosan; ngunit ang PANGINOON ang gumawa ng mga langit. Karangalan at kamahalan ang nasa harapan niya, kalakasan at kasayahan ang nasa kanyang tahanan. Iukol ninyo sa PANGINOON, kayong mga angkan ng mga bayan, iukol ninyo sa PANGINOON ang kaluwalhatian at ang kalakasan. Iukol ninyo sa PANGINOON ang kaluwalhatiang marapat sa kanyang pangalan; magdala kayo ng handog, at magsiparoon kayo sa harap niya. Inyong sambahin ang PANGINOON sa banal na kaayusan. Manginig sa harap niya ang buong lupa: oo, ang sanlibuta'y nakatayong matatag, hindi kailanman makikilos. Magsaya ang mga langit, at magalak ang lupa; at sabihin nila sa gitna ng mga bansa, "Ang PANGINOON ay naghahari!" Hayaang umugong ang dagat at ang lahat ng pumupuno dito, matuwa ang parang at ang lahat ng naroon; kung magkagayo'y aawit ang mga punungkahoy sa gubat dahil sa kagalakan sa harapan ng PANGINOON, sapagkat siya'y dumarating upang hatulan ang lupa. O magpasalamat kayo sa PANGINOON sapagkat siya'y mabuti; sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman. Sabihin din ninyo: "Iligtas mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan, at tipunin mo kami, at iligtas mo kami sa mga bansa, upang kami'y magpasalamat sa iyong banal na pangalan, at lumuwalhati sa iyong kapurihan. Purihin ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel, mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan." At sinabi ng buong bayan, "Amen!" at pinuri ang PANGINOON. Kaya't iniwan ni David doon si Asaf at ang kanyang mga kapatid sa harapan ng kaban ng tipan ng PANGINOON, upang patuloy na mangasiwa sa harap ng kaban, gaya ng kailangang gawain sa araw-araw. Gayundin si Obed-edom at ang kanyang animnapu't walong kapatid; samantalang si Obed-edom na anak ni Jedutun at si Asa ay magiging mga bantay sa pinto. At kanyang iniwan ang paring si Zadok at ang kanyang mga kapatid na mga pari sa harapan ng tolda ng PANGINOON sa mataas na dako na nasa Gibeon, upang patuloy na maghandog ng mga handog na sinusunog sa PANGINOON sa ibabaw ng dambana ng handog na sinusunog sa umaga at hapon, ayon sa lahat nang nasusulat sa kautusan ng PANGINOON na kanyang iniutos sa Israel. Kasama nila si Heman at si Jedutun, at ang nalabi sa mga pinili at itinalaga sa pamamagitan ng pangalan upang magpasalamat sa PANGINOON, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman. Sina Heman at Jedutun ay may mga trumpeta at mga pompiyang para sa tugtugin at mga panugtog para sa mga banal na awitin. Ang mga anak ni Jedutun ay inilagay sa pintuan. At ang buong bayan ay nagsiuwi sa kani-kanilang bahay, at si David ay umuwi upang basbasan ang kanyang sambahayan. Nang si David ay nanirahan sa kanyang bahay, sinabi ni David kay propeta Natan, "Tingnan mo, ako'y nakatira sa isang bahay na sedro, ngunit ang kaban ng tipan ng PANGINOON ay nasa loob ng isang tolda." At sinabi ni Natan kay David, "Gawin mo ang lahat ng nasa iyong puso, sapagkat ang Diyos ay kasama mo." Ngunit nang gabi ring iyon ang salita ng Diyos ay dumating kay Natan, "Humayo ka at sabihin mo kay David na aking lingkod, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON: Hindi mo ako ipagtatayo ng bahay na matitirahan. Sapagkat hindi pa ako nanirahan sa isang bahay mula nang araw na aking iahon ang Israel hanggang sa araw na ito; kundi ako'y nagpalipat-lipat sa mga tolda at sa mga tirahan. Sa lahat ng mga dako na aking nilakaran na kasama ang buong Israel, ako ba'y nagsalita sa sinuman sa mga hukom ng Israel, na siyang aking inutusang maging pastol sa aking bayan, "Bakit hindi ninyo ako ipinagtayo ng bahay na sedro?" ' Ngayon nga'y ganito ang iyong sasabihin sa aking lingkod na si David, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, Kinuha kita sa sabsaban, mula sa pagsunod sa mga tupa upang ikaw ay maging pinuno sa aking bayang Israel. Ako'y naging kasama mo saan ka man pumunta, at aking pinuksa ang lahat ng iyong mga kaaway sa harapan mo. At igagawa kita ng pangalan na gaya ng pangalan ng mga dakilang tao sa lupa. Magtatalaga ako ng isang lugar para sa aking bayang Israel, at itatatag sila, upang sila'y makapanirahan sa kanilang sariling lugar, at huwag nang magambala pa. At hindi na sila pahihirapan pa ng mga mararahas na tao, na gaya nang una, mula sa panahon na nagtalaga ako ng mga hukom upang mamuno sa aking bayang Israel; at aking pasusukuin ang lahat ninyong mga kaaway. Bukod dito'y ipinahahayag ko sa iyo na ipagtatayo ka ng PANGINOON ng isang bahay. Kapag ang iyong mga araw ay naganap na upang ikaw ay humayo upang makasama ng iyong mga ninuno, ibabangon ko ang iyong binhi pagkamatay mo, isa sa iyong sariling mga anak, at aking itatatag ang kanyang kaharian. Ipagtatayo niya ako ng isang bahay, at itatatag ko ang kanyang trono magpakailanman. Ako'y magiging kanyang ama, at siya'y magiging aking anak, at hindi ko aalisin ang aking tapat na pag-ibig sa kanya, gaya ng aking pagkakuha doon sa nauna sa iyo. Kundi ilalagay ko siya sa aking bahay at sa aking kaharian magpakailanman; at ang kanyang trono ay matatatag magpakailanman.'" Ayon sa lahat ng mga salitang ito, at ayon sa lahat ng mga pangitaing ito, ay gayon ang sinabi ni Natan kay David. Pagkatapos ay pumasok si Haring David at naupo sa harap ng PANGINOON, at kanyang sinabi, "Sino ako, O PANGINOONG Diyos, at ano ang aking sambahayan at dinala mo ako sa ganitong kalagayan? At ito'y munting bagay sa iyong paningin, O Diyos; sinabi mo rin ang tungkol sa sambahayan ng iyong lingkod hanggang sa mga panahong darating, at ipinakita mo sa akin ang darating na mga salinlahi, O Diyos! Ano pa ang masasabi ni David sa iyo sa pagpaparangal mo sa iyong lingkod? Sapagkat kilala mo ang iyong lingkod. O PANGINOON, alang-alang sa iyong lingkod, at ayon sa iyong sariling puso, ay iyong ginawa ang lahat ng kadakilaang ito, upang ipaalam ang lahat ng dakilang bagay na ito. O PANGINOON, walang gaya mo, at walang Diyos liban sa iyo, ayon sa lahat ng narinig ng aming mga tainga. Anong bansa sa lupa ang gaya ng iyong bayang Israel, isang bansa sa lupa na tinubos ng Diyos upang maging kanyang sariling bayan na gumawa ng pangalan para sa iyong sarili sa pamamagitan ng dakila at kakilakilabot na mga bagay, sa pagpapalayas ng mga bansa sa harap ng iyong bayan na iyong tinubos mula sa Ehipto? At ang iyong bayang Israel ay ginawa mong iyong sariling bayan magpakailanman; at ikaw, PANGINOON, ay naging kanilang Diyos. Ngayon, O PANGINOON, maitatag nawa ang salita na iyong ipinahayag tungkol sa iyong lingkod, at tungkol sa kanyang sambahayan magpakailanman, at gawin mo nawa na gaya ng iyong sinalita, at ang iyong pangalan ay maitatag at maging dakila magpakailanman, na sinasabi, 'Ang PANGINOON ng mga hukbo ay Diyos ng Israel,' samakatuwid ay ang Diyos ng Israel, at ang sambahayan ni David na iyong lingkod ay matatatag sa harapan mo. Sapagkat ikaw, O aking Diyos, ay nagpahayag sa iyong lingkod na ipagtatayo mo siya ng bahay; kaya't ang iyong lingkod ay nagkaroon ng tapang na manalangin sa harapan mo. At ngayon, O PANGINOON, ikaw ay Diyos, at ipinangako mo ang mabuting bagay na ito sa iyong lingkod; At ngayo'y ikinalulugod mo na pagpalain ang sambahayan ng iyong lingkod, upang mamalagi magpakailanman sa harap mo, sapagkat ang iyong pinagpala, O PANGINOON, ay magiging mapalad magpakailanman Pagkatapos nito'y sinalakay ni David ang mga Filisteo at sinakop sila; kinuha niya ang Gat at ang mga nayon niyon sa kamay ng mga Filisteo. Tinalo niya ang Moab, at ang mga Moabita ay naging alipin ni David, at sila'y nagdala ng mga kaloob. Tinalo rin ni David sa Hamat si Hadadezer na hari ng Soba, habang siya'y papunta sa Hamath upang itatag ang kanyang kapangyarihan sa tabi ng Ilog Eufrates. Kumuha si David sa kanya ng isang libong karwahe, pitong libong mangangabayo, at dalawampung libong kawal na lakad; at pinilayan ni David ang lahat ng mga kabayo ng mga karwahe, ngunit nagtira nang sapat para sa isandaang karwahe. Nang ang mga taga-Aram sa Damasco ay dumating upang sumaklolo kay Hadadezer na hari ng Soba, nakapatay si David ng dalawampu't dalawang libong lalaking mga taga-Aram. Pagkatapos ay naglagay si David ng mga himpilan sa Aram ng Damasco; at ang mga taga-Aram ay naging mga alipin ni David, at nagsipagdala ng mga kaloob. At binigyan ng PANGINOON ng tagumpay si David saanman siya pumunta. Kinuha ni David ang mga kalasag na ginto na dala ng mga lingkod ni Hadadezer, at dinala ang mga iyon sa Jerusalem. Mula sa Thibath at Chun na mga bayan ni Hadadezer, ay kumuha si David ng napakaraming tanso na siyang ginawa ni Solomon na dagat-dagatang tanso, mga haligi, at mga sisidlang tanso. Nang mabalitaan ni Tou na hari ng Hamat na natalo ni David ang buong hukbo ni Hadadezer na hari ng Soba, sinugo niya ang kanyang anak na si Hadoram kay Haring David, upang bumati sa kanya, at purihin siya, sapagkat siya'y lumaban kay Hadadezer at tinalo niya ito sapagkat si Hadadezer ay laging nakikipag-digma kay Tou. At siya'y nagpadala ng lahat ng uri ng kasangkapang ginto, pilak, at tanso. Ang mga ito naman ay itinalaga ni Haring David sa PANGINOON, pati ang pilak at ginto na kanyang kinuha sa lahat ng bansa; mula sa Edom, Moab, sa mga anak ni Ammon, sa mga Filisteo, at mula sa Amalek. At pinatay ni Abisai na anak ni Zeruia ang labingwalong libong mga Edomita sa Libis ng Asin. Naglagay siya ng mga himpilan sa Edom; at lahat ng mga Edomita ay naging mga alipin ni David. At binigyan ng PANGINOON ng pagtatagumpay si David saanman siya pumunta. Kaya't si David ay naghari sa buong Israel at siya'y naglapat ng katarungan at pagkakapantay-pantay sa buong bayan niya. Si Joab na anak ni Zeruia ang namuno sa hukbo; si Jehoshafat na anak ni Ahilud ay taga-tala. Si Zadok na anak ni Ahirub, at si Abimelec na anak ni Abiatar ay mga pari at si Sausa ay kalihim; si Benaya na anak ni Jehoiada ay namamahala sa mga Kereteo at sa mga Peleteo; at ang mga anak ni David ay mga pinuno na naglilingkod sa hari. Pagkatapos nito, si Nahas na hari ng mga anak ni Ammon ay namatay, at ang kanyang anak ay nagharing kapalit niya. At sinabi ni David, "Papakitunguhan kong may katapatan si Hanun na anak ni Nahas, sapagkat ang kanyang ama ay nagpakita ng katapatan sa akin." Kaya't nagpadala si David ng mga sugo upang aliwin si Hanun tungkol sa kanyang ama. Nang ang mga lingkod ni David ay dumating kay Hanun sa lupain ng mga anak ni Ammon upang aliwin siya, sinabi ng mga pinuno ng mga anak ni Ammon kay Hanun, "Inaakala mo bang pinararangalan ni David ang iyong ama, sapagkat siya'y nagsugo ng mga mang-aaliw sa iyo? Hindi ba ang kanyang mga lingkod ay pumarito sa iyo upang siyasatin, ibagsak, at tiktikan ang lupain?" Sa gayo'y sinunggaban ni Hanun ang mga lingkod ni David, inahitan sila at ginupit sa gitna ang kanilang mga suot hanggang sa kanilang pigi, at sila'y pinaalis. At sila'y humayo. Nang ibalita kay David ang nangyari sa mga lalaki, nagsugo siya upang salubungin sila, sapagkat lubhang napahiya ang mga lalaki. At sinabi ng hari, "Manatili kayo sa Jerico hanggang sa tumubo ang inyong balbas, at pagkatapos ay bumalik kayo." Nang makita ng mga anak ni Ammon na sila'y naging kasuklam-suklam kay David, si Hanun at ang mga anak ni Amon ay nagpadala ng isang libong talentong pilak upang umupa ng mga karwahe at mga mangangabayo mula sa Mesopotamia, sa Aram-maaca, at mula sa Soba. Umupa sila ng tatlumpu't dalawang libong karwahe at ang hari ng Maaca at ang kanyang hukbo, na dumating at nagkampo sa harap ng Medeba. At ang mga anak ni Ammon ay nagkatipon mula sa kanilang mga bayan at dumating upang makipaglaban. Nang ito'y mabalitaan ni David, sinugo niya si Joab at ang buong hukbo ng mga mandirigma. Ang mga anak ni Ammon ay lumabas at humanay sa pakikipaglaban sa pasukan ng lunsod, at ang mga hari na pumaroon ay sama-sama sakaparangan. Nang makita ni Joab na ang labanan ay nakatuon sa kanya sa harapan at sa likuran, pinili niya ang ilan sa mga piling lalaki ng Israel, at inihanay sila laban sa mga taga-Aram, at ang nalabi sa mga tauhan ay kanyang ipinamahala sa kanyang kapatid na si Abisai, at sila'y humanay laban sa mga anak ni Ammon. At sinabi niya, "Kung ang mga taga-Aram ay napakalakas para sa akin, tutulungan mo ako, ngunit kung ang mga anak ni Ammon ay napakalakas para sa iyo, tutulungan kita. Magpakatatag ka, at tayo'y magpakalalaki para sa ating bayan, at para sa mga lunsod ng ating Diyos, at gawin nawa ng PANGINOON ang inaakala niyang mabuti sa kanya." Kaya't si Joab at ang mga taong kasama niya ay lumapit sa harapan ng mga taga-Aram sa pakikipaglaban at sila'y tumakas sa harapan niya. Nang makita ng mga anak ni Ammon na ang mga taga-Aram ay nagsitakas, sila ay tumakas din mula kay Abisai na kanyang kapatid at pumasok sa bayan. At si Joab ay pumunta sa Jerusalem. Ngunit nang makita ng mga taga-Aram na sila'y natalo ng Israel, sila'y nagpadala ng mga sugo at isinama ang mga taga-Aram na nasa kabila ng Eufrates, na kasama ni Sofac na punong kawal ng hukbo ni Hadadezer upang manguna sa kanila. Nang ito'y ibalita kay David, kanyang tinipon ang buong Israel, tumawid sa Jordan, pumaroon sa kanila, at inihanay ang kanyang hukbo laban sa kanila. Nang maihanda ni David ang pakikipaglaban sa mga taga-Aram, sila'y nakipaglaban sa kanya. At ang mga taga-Aram ay tumakas mula sa harapan ng Israel. Ang pinatay ni David sa mga taga-Aram ay pitong libong katao na nakasakay sa karwahe, at apatnapung libong kawal na lakad, at si Sofac na punong kawal ng hukbo. Nang makita ng mga lingkod ni Hadadezer na sila'y natalo ng Israel, sila'y nakipagpayapaan kay David, at napailalim sa kanya. Kaya't ang mga taga-Aram ay ayaw nang tumulong pa sa mga anak ni Ammon. Sa tagsibol ng taon, sa panahong ang mga hari ay humahayo upang makipaglaban, pinamunuan ni Joab ang hukbo, sinira niya ang lupain ng mga anak ni Amon, at dumating at kinubkob ang Rabba. Ngunit si David ay nanatili sa Jerusalem. At sinalakay ni Joab ang Raba, at ibinagsak ito. At kinuha ni David ang korona sa ulo ng kanilang hari, at kanyang napag-alamang may timbang na isang talentong ginto, at ito ay may mahalagang bato. Ito'y inilagay sa ulo ni David. At kanyang inilabas ang samsam ng lunsod na totoong napakarami. At kanyang inilabas ang mga taong naroon, at pinagtrabaho sila na ang gamit ay mga lagari, mga suyod na bakal, at mga palakol. Ganito ang ginawa ni David sa lahat ng mga lunsod ng mga anak ni Ammon. Pagkatapos, si David at ang buong bayan ay bumalik sa Jerusalem. Pagkatapos nito ay sumiklab ang digmaan sa Gezer laban sa mga Filisteo. Pinatay ni Shibecai na Husatita si Sipai, na isa sa mga anak ng mga higante, at ang mga Filisteo ay nagapi. Nagkaroon uli ng pakikipagdigma laban sa mga Filisteo; at pinatay ni Elhanan na anak ni Jair si Lami na kapatid ni Goliat na Geteo, na ang puluhan ng sibat niya ay gaya ng panghabi ng manghahabi. Nagkaroon uli ng labanan sa Gat, na doo'y may isang napakalaking lalaki na ang mga daliri ng kamay at paa ay dalawampu't apat, anim sa bawat kamay at anim sa bawat paa; at siya rin nama'y ipinanganak mula sa mga higante. Nang kanyang libakin ang Israel, pinatay siya ni Jonathan na anak ni Shimea na kapatid ni David. Ang mga ito ay ipinanganak mula sa mga higante sa Gat, at sila'y bumagsak sa kamay ni David at ng mga lingkod niya. Si Satanas ay tumayo laban sa Israel, at inudyukan si David na bilangin ang sambayanang Israel. Kaya't sinabi ni David kay Joab at sa mga pinuno ng hukbo, "Humayo kayo, bilangin ninyo ang Israel mula sa Beer-seba hanggang sa Dan; dalhan ninyo ako ng ulat upang aking malaman ang bilang nila." Ngunit sinabi ni Joab, "Paramihin nawa ng PANGINOON ang kanyang bayan nang makasandaang higit sa dami nila! Ngunit, panginoon kong hari, di ba silang lahat ay mga lingkod ng aking panginoon? Bakit kailangan pa ng panginoon ko ang bagay na ito? Bakit siya'y magiging sanhi ng pagkakasala ng Israel?" Gayunma'y ang salita ng hari ay nanaig kay Joab. Kaya't si Joab ay humayo, at nilibot ang buong Israel, at bumalik sa Jerusalem. Ibinigay ni Joab kay David ang kabuuang bilang ng bayan. Sa buong Israel ay isang milyon at isandaang libo na humahawak ng tabak, at sa Juda ay apatnaraan at pitumpung libong lalaki na humahawak ng tabak. Ngunit ang Levi at ang Benjamin ay hindi niya binilang, sapagkat ang utos ng hari ay kasuklamsuklam para kay Joab. Subalit hindi kinalugdan ng Diyos ang bagay na ito, kaya't kanyang sinaktan ang Israel. Sinabi ni David sa Diyos, "Ako'y nagkasala nang mabigat sa paggawa ko ng bagay na ito. Ngunit ngayon, hinihiling ko sa iyo, pawiin mo ang kasamaan ng iyong lingkod, sapagkat nakagawa ako ng malaking kahangalan." Ang PANGINOON ay nagsalita kay Gad na propeta ni David, "Humayo ka at sabihin mo kay David na ito ang sinasabi ng PANGINOON. 'Inaalok kita ng tatlong bagay; pumili ka ng isa sa mga ito upang iyon ang gagawin ko sa iyo.' " Kaya't pumunta si Gad kay David, at sinabi sa kanya, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, 'Mamili ka: tatlong taong taggutom o tatlong buwang pananalanta ng iyong mga kaaway, habang ang tabak ng iyong mga kaaway ay umaabot sa iyo; o tatlong araw ng tabak ng PANGINOON, salot sa lupain, at ang anghel ng PANGINOON ay mamumuksa sa lahat ng nasasakupan ng Israel.' Ngayon, isipin mo kung anong sagot ang ibabalik ko sa kanya na nagsugo sa akin." Sinabi ni David kay Gad, "Ako'y nasa malaking kagipitan, hayaan mo akong mahulog sa kamay ng PANGINOON, sapagkat lubhang malaki ang kanyang awa, ngunit huwag mong hayaang mahulog ako sa kamay ng tao." Sa gayo'y nagpadala ang PANGINOON ng salot sa Israel, at pitumpung libong katao ang namatay sa Israel. Ang Diyos ay nagsugo ng isang anghel sa Jerusalem upang puksain ito, subalit nang kanyang pupuksain na ito, ang PANGINOON ay tumingin, at iniurong niya ang pagpuksa. Sinabi niya sa mamumuksang anghel, 'Tama na. Itigil mo na ang kamay mo." Ang anghel ng PANGINOON ay nakatayo noon sa tabi ng giikan ni Oman na Jebuseo. Tumingin si David sa itaas at nakita niya ang anghel ng PANGINOON na nakatayo sa pagitan ng lupa at langit na may hawak na tabak sa kanyang kamay na nakatutok sa Jerusalem. Nang magkagayon, si David at ang matatanda na nakadamit-sako ay nagpatirapa. Sinabi ni David sa Diyos, "Hindi ba't ako ang nag-utos na bilangin ang bayan? Ako ang tanging nagkasala at gumawa ng malaking kasamaan. Ngunit ang mga tupang ito, ano ang kanilang nagawa? Idinadalangin ko sa iyo, O PANGINOON kong Diyos, na ang iyong kamay ay maging laban sa akin at sa sambahayan ng aking ama; ngunit huwag mong bigyan ng salot ang iyong bayan." Pagkatapos ay inutusan ng anghel ng PANGINOON si Gad upang sabihin kay David na siya'y umakyat, at magtayo ng isang dambana para sa PANGINOON sa giikan ni Oman na Jebuseo. Kaya't si David ay pumunta ayon sa salita ni Gad na kanyang sinabi sa pangalan ng PANGINOON. Lumingon si Oman at nakita ang anghel; samantalang ang kanyang apat na anak na kasama niya ay nagkukubli, si Oman ay nagpatuloy sa paggiik ng trigo. Samantalang si David ay papalapit kay Oman, si Oman ay tumanaw at nakita si David. Lumabas siya sa giikan, at yumukod kay David na ang kanyang mukha ay nasa lupa. Sinabi ni David kay Oman, "Ibigay mo sa akin ang lugar ng giikang ito upang aking mapagtayuan ng isang dambana para sa PANGINOON. Ibigay mo ito sa akin sa kabuuang halaga nito upang ang salot ay tumigilsa bayan." Sinabi ni Oman kay David, "Kunin mo na at gawin ng panginoon kong hari ang mabuti sa kanyang paningin. Ipinagkakaloob ko ang mga baka para sa handog na sinusunog, at ang mga kasangkapan ng giikan bilang panggatong, at ang trigo para sa handog na butil. Ibinibigay ko ang lahat ng ito." Ngunit sinabi ni Haring David kay Oman, "Hindi. Bibilhin ko ito sa buong halaga, sapagkat hindi ako kukuha ng sa iyo para sa PANGINOON, o maghahandog man ako ng handog na sinusunog nang wala akong ginugol." Kaya't binayaran ni David si Ornan para sa lugar na iyon ng animnaraang siklong ginto ayon sa timbang. Nagtayo roon si David ng isang dambana para sa PANGINOON, at naghandog ng mga handog na sinusunog, at ng mga handog pangkapayapaan. Tumawag siya sa PANGINOON; at kanyang sinagot siya mula sa langit sa pamamagitan ng apoy sa ibabaw ng dambana ng handog na sinusunog. Pagkatapos ay inutusan ng PANGINOON ang anghel; at kanyang ibinalik sa kaluban ang kanyang tabak. Nang panahong iyon, nang makita ni David na sinagot siya ng PANGINOON sa giikan ni Oman na Jebuseo, siya'y nag-alay ng handog doon. Sapagkat ang tabemakulo ng PANGINOON na ginawa ni Moises sa ilang at ang dambana ng handog na sinusunog, nang panahong iyon ay nasa mataas na dako sa Gibeon. Ngunit si David ay hindi makapunta sa harap niyon upang sumangguni sa Diyos, sapagkat siya'y natatakot sa tabak ng anghel ng PANGINOON. Pagkatapos ay sinabi ni David, "Dito itatayo ang bahay ng PANGINOONG Diyos, at dito ang dambana ng handog na sinusunog para sa Israel." Iniutos ni David na tipunin ang mga dayuhang nasa lupain ng Israel at siya'y naglagay ng mga kantero upang magtapyas ng bato para sa pagtatayo ng bahay ng Diyos. Naglaan din si David ng napakaraming bakal bilang pako sa mga pinto ng mga tarangkahan at sa mga dugtungan, at ng tanso na hindi na matimbang sa dami, at ng mga troso ng sedro na di mabilang, sapagkat ang mga Sidonio at ang mga taga-Tiro ay nagdala kay David ng napakaraming puno ng sedro. Sapagkat sinabi ni David, "Si Solomon na aking anak ay bata pa at wala pang karanasan, at ang bahay na itatayo para sa PANGINOON ay kailangang maging kahanga-hanga, bantog at maluwalhati sa buong lupain. Ako'y maghahanda para doon." Kaya't naghanda si David ng maraming kagamitan bago sumapit ang kanyang kamatayan. Pagkatapos ay ipinatawag niya si Solomon na kanyang anak, at inatasan niyang magtayo ng isang bahay para sa PANGINOON, ang Diyos ng Israel. Sinabi ni David kay Solomon na kanyang anak, "Sa ganang akin, nasa aking puso ang magtayo ng isang bahay para sa pangalan ng PANGINOON kong Diyos. Ngunit ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin na sinasabi, 'Ikaw ay nagpadanak ng maraming dugo at nagsagawa ng malalaking pakikidigma. Hindi ka magtatayo ng bahay para sa aking pangalan sapagkat ikaw ay nagpadanak ng maraming dugo sa lupa sa aking paningin. Narito, ipapanganak para sa iyo ang isang lalaki; siya ay magiging isang mapayapang tao. Bibigyan ko siya ng kapayapaan sa lahat ng kanyang mga kaaway sa palibot, sapagkat ang kanyang magiging pangalan ay Solomon, at bibigyan ko ng kapayapaan at katahimikan ang Israel sa kanyang mga araw. Siya ay magtatayo ng bahay para sa aking pangalan, Siya'y magiging aking anak, at ako'y magiging kanyang ama; at itatatag ko ang trono ng kanyang kaharian sa Israel magpakailanman.' Ngayon, anak ko, sumaiyo ang PANGINOON, upang magtagumpay ka sa iyong pagtatayo ng bahay ng PANGINOON mong Diyos, gaya ng kanyang sinabi tungkol sa iyo. Pagkalooban ka lamang ng PANGINOON ng dunong at pang-unawa, upang kapag ipinagkatiwala na niya sa iyo ang Israel ay matupad mo ang kautusan ng PANGINOON mong Diyos. Kung magkagayo'y magtatagumpay ka kung maingat mong susundin ang mga tuntunin at ang mga batas na ipinag-utos ng PANGINOON kay Moises para sa Israel. Magpakalakas ka at magpakatapang; huwag kang matakot o manlupaypay man. Pinagsikapan kong lubos na ipaghanda ang bahay ng PANGINOON ng isandaang libong talentong ginto, isang milyong talentong pilak at ng tanso at bakal na hindi na matimbang sa dami. Naghanda rin ako ng kahoy at bato. Dagdagan mo pa ang mga ito. Bukod dito'y may kasama kang maraming manggagawa: mga taga-tapyas ng bato, mga kantero, mga karpintero, at napakaraming uri ng mga manggagawa na bihasa sa iba't ibang uri ng trabaho sa ginto, sa pilak, sa tanso, at sa bakal, na hindi mabilang. Bumangon ka at gawin mo na. Sumaiyo nawa ang PANGINOON." Iniutos din ni David sa lahat ng pinuno ng Israel na tulungan si Solomon na kanyang anak, na sinasabi, "Hindi ba't ang PANGINOON ninyong Diyos ay sumasainyo? Hindi ba't binigyan niya kayo ng kapahingahan sa lahat ng dako? Sapagkat kanyang ibinigay sa aking kamay ang mga naninirahan sa lupain; at ang lupain ay napasuko sa harap ng PANGINOON at sa harap ng kanyang bayan. Ngayo'y inyong ilagak ang inyong puso at pag-iisip upang hanapin ang PANGINOON ninyong Diyos. Humayo kayo at itayo ninyo ang santuwaryo ng PANGINOONG Diyos, upang ang kaban ng tipan ng PANGINOON at ang mga banal na kagamitan ng Diyos ay madala sa loob ng bahay na itatayo para sa pangalan ng PANGINOON." Nang si David ay matanda na at puspos na ng mga araw, ginawa niyang hari sa Israel si Solomon na kanyang anak. Tinipon niya ang lahat ng pinuno ng Israel, pati ang mga pari at ang mga Levita. Ang mga Levita na mula sa tatlumpung taong gulang pataas ay binilang at ang kanilang kabuuang bilang ay tatlumpu't walong libong lalaki. "Dalawampu'tapatnalibo sa mga ito," sabi ni David, "ang mamamahala sa gawain sa bahay ng PANGINOON, at anim na libo ay mga pinuno at mga hukom, at apat na libong bantay ng pinto, apat na libo ang mang-aawit sa PANGINOON na may mga panugtog na aking ginawa para sa pagpupuri." Hinati sila ni David sa mga pangkat ayon sa mga anak ni Levi: si Gershon, si Kohat, at si Merari. Sa mga Gershonita ay sina Ladan, at Shimei. Ang mga anak ni Ladan: si Jehiel na pinuno, si Zetam, at si Joel, tatlo. Ang mga anak ni Shimei: sina Shelomot, Haziel, at Haran, tatlo. Ito ang mga puno sa mga sambahayan ng mga magulang ni Ladan. Ang mga anak ni Shimei; sina Jahat, Zinat, Jeus, at Beriah. Ang apat na ito ang mga anak ni Shimei. Si Jahat ang pinuno at si Ziza ang ikalawa. Ngunit si Jeus at si Beriah ay hindi nagkaroon ng maraming anak, kaya't sila'y itinuring na isang sambahayan ng mga magulang. Ang mga anak ni Kohat: sina Amram, Izar, Hebron, at Uziel, apat. Ang mga anak ni Amram: sina Aaron at Moises. Si Aaron ay ibinukod upang kanyang italaga ang mga kabanal-banalang bagay, upang siya at ang kanyang mga anak na lalaki ay magsunog ng insenso sa harap ng PANGINOON at maglingkod sa kanya, at magbasbas sa pamamagitan ng kanyang pangalan magpakailanman. Ngunit ang mga anak ni Moises na tao ng Diyos ay ibinilang na kasama ng lipi ni Levi. Ang mga anak ni Moises: sina Gershom at Eliezer. Ang mga anak ni Gershom: si Sebuel na pinuno. Ang mga anak ni Eliezer: si Rehabias na pinuno. Si Eliezer ay hindi nagkaroon ng ibang mga anak na lalaki, ngunit ang mga anak ni Rehabias ay napakarami. Ang mga anak ni Izar: si Shelomit na pinuno. Ang mga anak ni Hebron: si Jerias ang pinuno, si Amarias ang ikalawa, si Jahaziel ang ikatlo, at si Jecaman ang ikaapat. Ang mga anak ni Uziel: si Micaias ang pinuno, at si Ishias ang ikalawa. Ang mga anak ni Merari: sina Mahli at Musi. Ang mga anak ni Mahli: sina Eleazar at si Kish. Si Eleazar ay namatay na hindi nagkaanak ng lalaki, kundi mga babae lamang; at naging asawa nila ang kanilang mga kamag-anak na mga anak ni Kish. Ang mga anak ni Musi: sina Mahli, Eder, at Jerimot, tatlo. Ito ang mga anak ni Levi, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, samakatuwid ay mga puno ng mga sambahayan na nakatala ayon sa bilang ng mga pangalan ng mga tao mula sa dalawampung taong gulang pataas na maglilingkod sa bahay ng PANGINOON. Sapagkat sinabi ni David, "Ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel ay nagbigay ng kapahingahan sa kanyang bayan; at siya'y naninirahan sa Jerusalem magpakailanman. Hindi na kailangan pang pasanin ng mga Levita ang tabernakulo at ang alinman sa mga kasangkapan niyon sa paglilingkod doon." Sapagkat ayon sa mga huling salita ni David, ang mga ito ang nabilang sa mga anak ni Levi, mula sa dalawampung taong gulang pataas. "Ang kanilang katungkulan ay tumulong sa mga anak ni Aaron sa paglilingkod sa bahay ng PANGINOON, na silang may pangangasiwa sa mga bulwagan, sa mga silid, at sa paglilinis ng lahat ng banal na bagay, at sa lahat ng gawain ng paglilingkod sa bahay ng Diyos. Gayundin sa tinapay na handog, at sa piling harina para sa handog na butil, maging sa mga manipis na tinapay na walang pampaalsa, at sa niluto sa kawali, at sa handog na pinirito; at sa lahat ng sari-saring takalan at sukatan. Sila'y tatayo tuwing umaga upang magpasalamat at magpuri sa PANGINOON, at gayundin naman sa hapon; at sa tuwing maghahandog ng lahat ng handog na sinusunog sa PANGINOON sa mga Sabbath, sa mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan na ang bilang ay alinsunod sa itinatakda sa kanila at patuloy sa harap ng PANGINOON. Sa gayo'y pangangasiwaan nila ang toldang tipanan, ang santuwaryo, at ang mga anak ni Aaron na kanilang mga kapatid para sa paglilingkod sa bahay ng PANGINOON." Ang pagkakabahagi ng mga anak ni Aaron ay ito. Ang mga anak ni Aaron: sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. Ngunit si Nadab at si Abihu ay naunang namatay sa kanilang ama, at hindi nagkaroon ng anak. Kaya't si Eleazar at si Itamar ang naglingkod bilang mga pari. Sa tulong ni Zadok na isa sa mga anak ni Eleazar, at ni Ahimelec na isa sa mga anak ni Itamar, pinangkat-pangkat sila ni David ayon sa kanilang mga gawain sa kanilang paglilingkod. Palibhasa'y mas maraming pinuno na natagpuan sa mga anak ni Eleazar kaysa sa mga anak ni Itamar, sila'y hinati sa ilalim ng labing-anim na mga pinuno sa mga sambahayan ng mga ninuno sa mga anak ni Eleazar, at walo naman sa mga anak ni Itamar. Pinagpangkat-pangkat sila sa pamamagitan ng palabunutan, bawat isa sa kanila; sapagkat mayroong mga pinuno sa santuwaryo, at mga pinuno para sa Diyos sa mga anak ni Eleazar at sa mga anak ni Itamar. Itinala ang mga ito ni Shemaya na eskriba na anak ni Natanael na Levita, sa harapan ng hari, at ng mga pinuno, at ng paring si Zadok, at ni Ahimelec na anak ni Abiatar, at sa mga pinuno sa mga sambahayan ng mga ninuno ng mga pari, at ng mga Levita. Isang sambahayan ng mga ninuno ang pinili para kay Eleazar, at ang isa'y pinili para kay Itamar. Ang unang palabunutan ay napapunta kay Jehoiarib, ang ikalawa'y kay Jedias; ang ikatlo ay kay Harim, ang ikaapat ay kay Seorim; ang ikalima ay kay Malkia, ang ikaanim ay kay Mijamin; ang ikapito ay kay Hakoz, ang ikawalo ay kay Abias; ang ikasiyam ay kay Jeshua, ang ikasampu ay kay Shecanias; ang ikalabing-isa ay kay Eliasib, ang ikalabindalawa ay kay Jakim; ang ikalabintatlo ay kay Hupa, ang ikalabing-apat ay kay Isebeab; Ang ikalabinlima ay kay Bilga, ang ikalabing-anim ay kay Imer; ang ikalabimpito ay kay Hezir, ang ikalabingwalo ay kay Hapizez, ang ikalabinsiyam ay kay Petaya, ang ikadalawampu ay kay Jehezkel; ang ikadalawampu't isa ay kay Jakin, ang ikadalawampu't dalawa ay kay Hamul; ang ikadalawampu't ratio ay kay Delaias, ang ikadalawampu't apat ay kay Maasias. Ito ang pagkakasunud-sunod nila sa kanilang paglilingkod, sa kanilang pagpasok sa bahay ng PANGINOON ayon sa tuntuning itinakda para sa kanila sa pamamagitan ni Aaron na kanilang ninuno, gaya ng iniutos sa kanya ng PANGINOONG Diyos ng Israel. At sa iba pang mga anak ni Levi: sa mga anak ni Amram, si Subael; sa mga anak ni Subael, si Jehedias. Kay Rehabias: sa mga anak ni Rehabias, si Ishias ang pinuno. Sa mga Izarita, si Selomot; sa mga anak ni Shelomot, si Jahat. Sa mga anak ni Hebron: si Jerias ang pinuno, si Amarias ang ikalawa, si Jahaziel ang ikatlo, si Jecaman ang ikaapat. Ang mga anak ni Uziel; si Micaias; sa mga anak ni Micaias, si Samir. Ang kapatid ni Micaias, si Ishias; sa mga anak ni Ishias, si Zacarias. Ang mga anak ni Merari: si Mahli at si Musi: ang mga anak ni Jaazia: si Beno. Ang mga anak ni Merari: kay Jaazia, sina Beno, Soam, Zacur, at Ibri. Kay Mahli: si Eleazar, na hindi nagkaroon ng anak na lalaki. Kay Kish: ang mga anak ni Kish, si Jerameel. Ang mga anak ni Musi: sina Mahli, Eder, at Jerimot. Ang mga ito ang mga anak ng mga Levita ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ama. Ang mga ito nama'y nagpalabunutan din gaya ng kanilang mga kapatid na mga anak ni Aaron, sa harap ni Haring David, at ni Zadok, Ahimelec at ng mga pinuno sa mga sambahayan ng mga ninuno ng mga pari at mga Levita, ang pinuno gayundin ang nakababatang kapatid. Ibinukod din ni David at ng mga punong kawal ng hukbo para sa paglilingkod ang ilan sa mga anak nina Asaf, Heman, at Jedutun na magpapahayag ng propesiya sa saliw ng mga alpa, mga lira, at ng mga pompiyang. Ang talaan ng gumawa ng gawain at ang kanilang mga tungkulin ay sina: Sa mga anak ni Asaf: sina Zacur, Jose, Netanias, at Asarela, na mga anak ni Asaf; sa ilalim ng pamumuno ni Asaf na nagpahayag ng propesiya ayon sa utos ng hari. Kay Jedutun, ang mga anak ni Jedutun: sina Gedalias, Zeri, Jeshaias, Hashabias, at Matithias, anim; sa ilalim ng pamumuno ng kanilang amang si Jedutun na nagpahayag ng propesiya sa saliw ng lira, na may pagpapasalamat at pagpupuri sa PANGINOON. Kay Heman, ang mga anak ni Heman: sina Bukias, Matanias, Uziel, Sebuel, Jerimot, Hananias, Hanani, Eliata, Gidalti, Romamtiezer, Josbecasa, Maloti, Hotir, at Mahaziot. Lahat ng mga ito'y mga anak ni Heman na propeta ng hari, ayon sa pangako ng Diyos na itaas siya. Sapagkat binigyan ng Diyos si Heman ng labing-apat na anak na lalaki at tatlong anak na babae. Silang lahat ay nasa ilalim ng pamumuno ng kanilang ama sa pag-awit sa bahay ng PANGINOON, na may mga pompiyang, mga lira, at mga alpa sa paglilingkod sa bahay ng Diyos; sina Asaf, Jedutun, at Heman ay nasa ilalim ng pamumuno ng hari. Ang bilang nila kasama ang kanilang mga kapatid na mga sinanay sa pag-awit sa PANGINOON, lahat ng bihasa ay dalawandaan at walumpu't walo. Sila'y nagpalabunutan sa kanilang mga katungkulan, hamak at dakila, maging ang guro at mag-aaral. Ang unang sapalaran ay napunta kay Asaf hanggang kay Jose; ang ikalawa'y kay Gedalias; siya at ang kanyang mga kapatid at mga anak ay labindalawa; ang ikatlo ay kay Zacur, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa; ang ikaapat ay kay Isri, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa; ang ikalima ay kay Netanias, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa; ang ikaanim ay kay Bukias, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa; ang ikapito ay kay Jesarela, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa; ang ikawalo ay kay Jeshaias, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa; ang ikasiyam ay kay Matanias, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa; ang ikasampu ay kay Shimei, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa; ang ikalabing-isa ay kay Azarel, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa; ang ikalabindalawa ay kay Hashabias, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa; ang ikalabintatlo ay kay Subael, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa; ang ikalabing-apat ay kay Matithias, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa; ang ikalabinlima ay kay Jerimot, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa: ang ikalabing-anim ay kay Hananias, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa; ang ikalabimpito ay kay Josbecasa, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa; ang ikalabingwalo ay kay Hanani, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa; ang ikalabinsiyam ay kay Maloti, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa; ang ikadalawampu ay kay Eliata, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa; ang ikadalawampu't isa ay kay Hotir, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa; ang ikadalawampu't dalawa'y kay Gidalti, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa; ang ikadalawampu't tatlo ay kay Mahaziot, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa; ang ikadalawampu't apat ay kay Romamtiezer, sa kanyang mga anak at sa kanyang mga kapatid, labindalawa. Sa Pagkakabahagi ng mga bantay ng pinto: sa mga Korahita, si Meselemia na anak ni Kora, sa mga anak ni Asaf. Si Meselemia ay nagkaroon ng mga anak na lalaki: si Zacarias ang panganay, si Jediael ang ikalawa, si Zebadias ang ikatlo, si Jatnael ang ikaapat; si Elam ang ikalima, si Jehohanan ang ikaanim, si Eliehoenai ang ikapito. Si Obed-edom ay nagkaroon ng mga anak: si Shemaya ang panganay, si Jehozabad ang ikalawa, si Joah ang ikatlo, at si Sacar ang ikaapat, at si Natanael ang ikalima, si Amiel ang ikaanim, si Isacar ang ikapito, si Peulletai ang ikawalo; sapagkat pinagpala siya ng Diyos. Gayundin kay Shemaya na kanyang anak ay ipinanganak ang mga lalaking namuno sa sambahayan ng kanilang mga ninuno, sapagkat sila'y mga lalaking may malaking kakayahan. Ang mga anak ni Shemaya: sina Othni, Rephael, Obed, at Elzabad, na ang mga kapatid ay magigiting na lalaki, sina Elihu at Samacias. Lahat ng mga ito'y sa mga anak ni Obed-edom: sila at ang kanilang mga anak at ang kanilang mga kapatid, mga bihasang lalaking naaangkop sa paglilingkod; animnapu't dalawa kay Obed-edom. Si Meselemia ay nagkaroon ng mga anak at mga kapatid na magigiting na lalaki, labingwalo. Si Hosa naman sa mga anak ni Merari ay nagkaroon ng mga anak na lalaki; si Simri ang pinuno (kahit na hindi siya panganay, ginawa siyang pinuno ng kanyang ama). Si Hilkias ang ikalawa, si Tebelias ang ikatlo, si Zacarias ang ikaapat; lahat ng mga anak at mga kapatid ni Hosa ay labintatlo. Sa mga ito ang mga bahagi ng mga bantay-pinto, samakatuwid ay mga pinuno na may mga katungkulang gaya ng kanilang mga kapatid na namamahala sa bahay ng PANGINOON. Sila'y nagpalabunutan, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, hamak man o dakila, para sa kani-kanilang pinto. Ang palabunutan para sa dakong silangan ay napunta kay Shelemias. Nagpalabunutan din sila para kay Zacarias na kanyang anak na isang matalinong tagapayo at ang nabunot para sa kanya ay ang dakong hilaga. Ang kay Obed-edom ay ang dakong timog; at sa kanyang mga anak ay ang kamalig. Kay Suppim at kay Hosa ay ang dakong kanluran, sa tabi ng pintuang-daan ng Sallechet, sa daang paahon. Bawat tanod ay may katuwang na tanod. Sa dakong silangan ay anim na Levita, sa dakong hilaga ay apat araw-araw, sa dakong timog ay apat araw-araw, at sa kamalig ay dala-dalawa. Sa parbar sa dakong kanluran, apat sa daanan, at dalawa sa parbar. Ito ang mga bahagi ng mga bantay ng pinto sa mga Korahita, at sa mga anak ni Merari. Sa mga Levita, si Ahias ang namahala sa mga kayamanan ng bahay ng Diyos at sa mga kayamanan ng mga itinalagang bagay. Ang mga anak ni Ladan, ang mga anak ng mga Gershonita na nauukol kay Ladan; ang mga pinuno ng mga sambahayan ng mga ninuno na ukol kay Ladan na Gershonita; si Jehieli. Ang mga anak ni Jehieli: sina Zetam at Joel na kanyang kapatid ang nangasiwa sa mga kabang-yaman ng bahay ng PANGINOON. Sa mga Amramita, sa mga Izarita, sa mga Hebronita, sa mga Uzielita — at si Sebuel na anak ni Gershom, na anak ni Moises, ay punong tagapamahala sa mga kabang-yaman. Ang kanyang mga kapatid mula kay Eliezer ay si Rehabias na kanyang anak, at si Jeshaias na kanyang anak, si Joram na kanyang anak, si Zicri na kanyang anak, at si Shelomot na kanyang anak. Ang Shelomot na ito at ang kanyang mga kapatid ang namahala sa lahat ng kabang-yaman na nakatalagang bagay na itinalaga ni Haring David, at ng mga pinuno ng mga sambahayan ng mga magulang, ng mga pinunong kawal ng libu-libo at ng daan-daan, at ng mga pinunong kawal ng hukbo. Mula sa mga samsam na pinanalunan sa pakikidigma ay kanilang itinalaga ang mga kaloob upang mapanatiling maayos ang bahay ng PANGINOON. Gayundin ang lahat ng itinalaga ni Samuel na tagakita at ni Saul na anak ni Kish, at ni Abner na anak ni Ner, at ni Joab na anak ni Zeruia; ang lahat ng mga itinalagang kaloob ay nasa ilalim ng pag-iingat ni Shelomot at ng kanyang mga kapatid. Sa mga Izarita, si Kenanias at ang kanyang mga anak na lalaki ay itinalaga sa mga panlabas na tungkulin para sa Israel, bilang mga pinuno at mga hukom. Sa mga Hebronita, si Hashabias at ang kanyang mga kapatid na mga magigiting na lalaki, na isang libo't pitong daan, ay namahala sa Israel sa dako roon ng Jordan sa dakong kanluran na ukol sa lahat ng gawain sa PANGINOON, at sa paglilingkod sa hari. Sa mga Hebronita, si Jerias ang pinuno sa mga Hebronita, mula sa anumang salinlahi o mga sambahayan. Nang ikaapatnapung taon ng paghahari ni David, nagkaroon ng pagsisiyasat at may natagpuan sa kanilang magigiting na lalaki sa Jazer ngGilead. Ang kanyang mga kapatid na mga magigiting na lalaki ay dalawang libo at pitong daan, mga pinuno ng mga sambahayan na siyang ginawa ni David na mga tagapamahala sa mga Rubenita, sa mga Gadita, at sa kalahating lipi ng mga Manases, sa lahat ng bagay na ukol sa Diyos, at sa mga bagay na ukol sa hari. Ito ang talaan ng sambayanan ng Israel, samakatuwid ay ang mga pinuno ng mga sambahayan, ang mga pinunong kawal ng libu-libo at daan-daan, at ang kanilang mga pinuno na naglingkod sa hari, sa mga bagay tungkol sa mga pangkat na pumapasok at lumala-bas, buwan-buwan sa buong taon, ang bawat pangkat ay dalawampu't apat na libo: Sa unang pangkat na para sa unang buwan, ang tagapamahala ay si Jasobeam na anak ni Zabdiel; at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo. Siya'y mula sa mga anak ni Perez at pinuno ng lahat ng punong kawal ng hukbo para sa unang buwan. Sa pangkat na para sa ikalawang buwan ay si Dodai na Ahohita, at sa kanyang pangkat ay si Midot ang tagapamahala, at ang kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo. Ang ikatlong punong kawal na para sa ikatlong buwan ay si Benaya, na anak ng paring si Jehoiada na siyang pinuno; at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo. Ito ang Benaya na magiting na lalaki sa tatlumpu, at pinuno sa tatlumpu; ang pinuno sa kanyang pangkat ay si Amisabad na kanyang anak. Ang ikaapat na punong kawal para sa ikaapat na buwan ay si Asahel na kapatid ni Joab, at si Zebadias na kanyang kapatid ang kasunod niya, at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo. Ang ikalimang punong kawal para sa ikalimang buwan ay si Samhuth na Izrahita, at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo. Ang ikaanim, para sa ikaanim na buwan ay si Ira na anak ni Ikkes na Tekoita; at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo. Ang ikapito, para sa ikapitong buwan ay si Heles na Pelonita, mula sa mga anak ni Efraim, at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo. Ang ikawalo, para sa ikawalong buwan ay si Shibecai na Husatita, mula sa mga Zeraita; at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo. Ang ikasiyam, para sa ikasiyam na buwan ay si Abiezer na taga-Anatot, isang Benjaminita; at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo. Ang ikasampu, para sa ikasampung buwan ay si Maharai na taga-Netofa mula sa mga Zeraita, at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo. Ang ikalabing-isa, para sa ikalabing-isang buwan ay si Benaya na taga-Piraton, mula sa mga anak ni Efraim, at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo. Ang ikalabindalawa, para sa ikalabindalawang buwan ay si Heldai na Netofatita, mula kay Otniel, at sa kanyang pangkat ay dalawampu't apat na libo. Ang mga tagapamahala sa mga lipi ng Israel: sa mga Rubenita, si Eliezer na anak ni Zicri, ang punong tagapamahala; sa mga Simeonita, si Shefatias na anak ni Maaca. Sa Levi, si Hashabias, na anak ni Kemuel; kay Aaron, si Zadok; sa Juda, si Elihu, isa sa mga kapatid ni David; sa Isacar, si Omri na anak ni Micael; sa Zebulon, si Ismaias na anak ni Obadias; sa Neftali, si Jerimot na anak ni Azriel. Sa mga anak ni Efraim, si Hosheas na anak ni Azazias; sa kalahating lipi ni Manases, si Joel na anak ni Pedaya, sa kalahating lipi ni Manases sa Gilead, si Iddo na anak ni Zacarias; sa Benjamin, si Jaasiel na anak ni Abner. Sa Dan, si Azarel na anak ni Jeroham. Ito ang mga pinuno ng mga lipi ng Israel. Ngunit hindi isinama ni David sa pagbilang ang mula sa dalawampung taong gulang pababa, sapagkat ipinangako ng PANGINOON na kanyang pararamihin ang Israel na gaya ng mga bituin sa langit. Si Joab na anak ni Zeruia ay nagpasimulang bumilang, ngunit hindi natapos; gayunma'y dumating sa Israel ang poot dahil dito, at hindi ipinasok ang bilang sa mga talaan ni Haring David. Ang namahala sa mga kabang-yaman ng hari ay si Azmavet na anak ni Adiel. Ang ingat-yaman sa mga bukid, sa mga bayan, sa mga nayon, at sa mga tore ay si Jonathan na anak ni Uzias. Ang namahala sa gumagawa sa bukirin at pagbubungkal ng lupa ay si Ezri na anak ni Kelub. Sa mga ubasan ay si Shimei na Ramatita, at sa mga ani sa mga ubasan para sa mga imbakan ng alak ay si Zabdi na Sifmita. Sa mga puno ng olibo at sa mga puno ng sikomoro na nasa Shefela ay si Baal-hanan na Gederita, at sa mga imbakan ng langis ay si Joas. Sa mga bakahan na ipinapastol sa Sharon ay si Sitrai na Sharonita, at sa mga bakahan na nasa mga libis ay si Shafat na anak ni Adlai. Sa mga kamelyo ay si Obil na Ismaelita, at sa mga babaing asno ay si Jehedias na Meronotita, at sa mga kawan ay si Jaziz na Hagrita. Lahat ng mga ito'y mga katiwala sa mga ari-arian ni Haring David. Si Jonathan na amain ni David ay isang tagapayo, lalaking matalino, at isang eskriba; at si Jehiel na anak ni Hacmoni ay lingkod sa mga anak ng hari. Si Ahitofel ang tagapayo ng hari; at si Husai na Arkita ang kaibigan ng hari. Kasunod ni Ahitofel ay si Jehoiada na anak ni Benaya, at gayundin ni Abiatar. Si Joab ang punong kawal sa hukbo ng hari. Pinulong ni David sa Jerusalem ang lahat ng pinuno sa Israel, ang mga puno ng mga lipi, mga punong kawal ng mga pulutong na naglilingkod sa hari, mga punong kawal ng libu-libo, mga punong kawal ng daan-daan, at ang mga katiwala sa lahat ng ari-arian at kawan ng hari at ng kanyang mga anak, kasama ng mga pinuno sa palasyo, at mga makapangyarihang lalaki, at lahat ng magigiting na mandirigma. At tumayo si Haring David at nagsabi, "Pakinggan ninyo ako, mga kapatid ko, at bayan ko. Nasa aking puso na ipagtayo ng isang bahay na pahingahan ang kaban ng tipan ng PANGINOON, upang maging tuntungan ng mga paa ng ating Diyos; at ako'y naghanda para sa pagtatayo. Ngunit sinabi ng Diyos sa akin, 'Hindi ka magtatayo ng bahay para sa aking pangalan, sapagkat ikaw ay isang mandirigma at nagpadanak ng dugo.' Gayunma'y pinili ako ng PANGINOONG Diyos ng Israel sa buong sambahayan ng aking ama upang maging hari sa Israel magpakailanman, sapagkat kanyang pinili ang Juda upang maging pinuno, at sa sambahayan ng Juda, ang sambahayan ng aking ama. Sa mga anak ng aking ama ay kinalugdan niya ako upang gawing hari sa buong Israel. Sa lahat ng aking mga anak na lalaki (sapagkat binigyan ako ng PANGINOON ng maraming anak,) pinili niya si Solomon na aking anak upang umupo sa trono ng kaharian ng PANGINOON sa Israel. Kanyang sinabi sa akin, 'Si Solomon na iyong anak ang siyang magtatayo ng aking bahay at ng aking mga bulwagan, sapagkat pinili ko siya upang maging anak ko, at ako'y magiging kanyang ama. Itatatag ko ang kanyang kaharian magpakailanman, kung kanyang laging susundin ang aking mga utos at mga tuntunin, gaya sa araw na ito.' Ngayon, sa paningin ng buong Israel, ang kapulungan ng PANGINOON, at sa pandinig ng ating Diyos, tuparin at sundin ninyo ang lahat ng mga utos ng PANGINOON ninyong Diyos, upang inyong ariin ang mabuting lupaing ito, at maiwan bilang pamana sa inyong mga anak pagkatapos ninyo, magpakailanman. 'At ikaw, Solomon na aking anak, kilalanin mo ang Diyos ng iyong ama. Paglingkuran mo siya nang buong puso at nang kusang pag-iisip, sapagkat sinasaliksik ng PANGINOON ang lahat ng puso, at nalalaman ang lahat ng balak at iniisip. Kung hahanapin mo siya, matatagpuan mo siya; ngunit kung pababayaan mo siya, itatakuwil ka niya magpakailanman. Mag-ingat ka ngayon, sapagkat pinili ka ng PANGINOON upang magtayo ng bahay bilang santuwaryo; magpakalakas ka, at kumilos ka." Pagkatapos ay ibinigay ni David kay Solomon na kanyang anak ang piano ng portiko ng templo, ng mga kabahayan, ng mga kabang-yaman, ng mga silid sa itaas, ng mga panloob na silid, at ng silid para sa luklukan ng awa; at ang lahat ng piano na nasa kanyang isipan para sa mga bulwagan ng bahay ng PANGINOON, sa lahat ng silid sa palibot, sa mga kabang-yaman ng bahay ng Diyos, at sa mga kabang-yaman ng mga nakatalagang bagay. Sa mga pagpapangkat-pangkat ng mga pari at ng mga Levita, at sa lahat ng gawaing paglilingkod sa bahay ng PANGINOON, at sa lahat ng kasangkapan para sa paglilingkod sa bahay ng PANGINOON, ang timbang ng ginto para sa lahat ng kasangkapang ginto sa bawat paglilingkod; ang timbang ng mga kasangkapang pilak para sa bawat paglilingkod, ang timbang ng mga ilawang ginto, at ang mga ilaw niyon, ang timbang ng ginto para sa bawat ilawan at sa mga ilaw niyon, ang timbang ng pilak para sa ilawan at sa mga ilaw niyon, ayon sa gamit ng bawat ilawan para sa paglilingkod, ang timbang ng ginto para sa bawat hapag para sa mga tinapay na handog, ang pilak para sa mga pilak na hapag, at lantay na ginto para sa mga tinidor, mga palanggana, mga kopa, para sa mga gintong mangkok at ang timbang ng bawat isa; at sa mga pilak na mangkok at ang timbang ng bawat isa; para sa dambana ng insenso na gawa sa gintong dalisay, at ang timbang niyon; maging ang kanyang piano para sa gintong karwahe ng kerubin na nakabuka ang mga pakpak at nakatakip sa kaban ng tipan ng PANGINOON. "Lahat ngito'y kanyang nilinaw sa pamamagitan ng sulat mula sa kamay ng PANGINOON; ang lahat ng gagawin ay ayon sa piano." Sinabi pa ni David kay Solomon na kanyang anak, "Magpakalakas at magpakatapang ka, at kumilos ka. Huwag kang matakot, o manlupaypay man, sapagkat ang PANGINOONG Diyos, na aking Diyos, ay sumasaiyo. Hindi ka niya bibiguin, o pababayaan man, hanggang sa ang lahat ng gawain sa paglilingkod sa bahay ng PANGINOON ay matapos. Narito ang mga pagbabahagi ng mga pari at ng mga Levita, para sa lahat ng paglilingkod sa bahay ng Diyos, at makakasama mo sa lahat ng gawain ay mga taong may kusang-loob at bihasa sa anumang uri ng paglilingkod; gayundin ang mga punong kawal at ang buong bayan ay lubos na susunod sa iyong utos." Sinabi ni Haring David sa buong kapulungan, "Si Solomon na aking anak na siya lamang pinili ng Diyos ay bata pa at walang sapat na karanasan, at ang gawain ay malaki; sapagkat ang templo ay hindi sa tao, kundi para sa PANGINOONG Diyos. Kaya't ako'y naghanda sa abot ng aking makakaya para sa bahay ng aking Diyos, ng ginto para sa mga bagay na ginto, pilak para sa mga bagay na pilak, tanso para sa mga bagay na tanso, bakal para sa mga bagay na bakal, kahoy para sa mga bagay na kahoy; bukod sa napakaraming batong onix, mga batong pangkalupkop, mga batong panggayak, batong may sari-saring kulay, at ng lahat ng uri ng mahahalagang bato, at mga batong marmol. Bukod dito, bilang karagdagan sa lahat ng aking ibinigay para sa bahay ng aking Diyos, may pag-aari akong ginto at pilak, at dahil sa aking pagmamalasakit sa bahay ng aking Diyos, ibinibigay ko ito sa banal na bahay: tatlong libong talentong ginto mula sa Ofir, at pitong libong talentong dalisay na pilak upang ibalot sa mga dingding ng gusali; ginto na ukol sa mga bagay na ginto, at pilak na ukol sa mga bagay na pilak, at sa lahat ng sari-saring gawain na gagawin ng mga kamay ng mga manggagawa. Sino ngayon ang naghahandog nang kusa upang italaga ang sarili sa PANGINOON sa araw na ito?" Nang magkagayo'y nagbigay ng mga kusang-loob na handog ang mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno, gayundin ang mga pinuno ng mga lipi ng Israel, at ang mga punong kawal ng mga libu-libo at daan-daan, pari ang mga tagapamahala sa gawain nghari. Nagbigay sila para sa paglilingkod sa bahay ng Diyos ng ginto, na limang libong talento, at sampung libong dariko ng ginto at sampung libong talentong pilak at labingwalong libong talentong tanso, at isandaang libong talentong bakal. Sinumang may mamahaling bato ay ibinigay ang mga ito sa kabang-yaman ng bahay ng PANGINOON, sa ilalim ng pag-iingat ni Jehiel na Gershonita. Pagkatapos ay nagalak ang bayan, sapagkat ang mga ito'y kusang-loob na naghandog, sapagkat sila'y may dalisay na puso na kusang naghandog sa PANGINOON at si Haring David ay labis na nagalak. Kaya't pinuri ni David ang PANGINOON sa harap ng buong kapulungan at sinabi ni David, "Purihin ka, O PANGINOON, ang Diyos ni Israel na aming ama, magpakailan kailanman. Iyo, O PANGINOON ang kadakilaan, kapangyarihan, kaluwalhatian, pagtatagumpay, at karangalan. Sapagkat sa iyo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa; iyo ang kaharian, O PANGINOON, at ikaw ay mataas na pinuno sa lahat. Ang mga kayamanan at gayundin ang karangalan ay nagmumula sa iyo, at ikaw ang namumuno sa lahat. Nasa iyong kamay ang kapangyarihan, kalakasan, pagpapadakila, at pagpapalakas sa lahat. At ngayon, aming Diyos, kami ay nagpapasalamat sa iyo, at aming pinupuri ang iyong maluwalhating pangalan. "Ngunit sino ba ako, at ano ang aking bayan, na kusang makapaghahandog sa ganitong paraan? Sapagkat ang lahat ng bagay ay nagmumula sa iyo, at ang sa iyo ang aming ibinigay sa iyo. Sapagkat kami ay mga dayuhan at manlalakbay sa harap mo, gaya ng lahat ng aming mga ninuno; ang aming mga araw sa lupa ay gaya ng anino, at hindi magtatagal. O PANGINOON naming Diyos, lahat ng kasaganaang ito na aming inihanda upang ipagtayo ka ng bahay na ukol sa iyong banal na pangalan ay nagmumula sa iyong kamay, at lahat ay sa iyo lamang. Alam ko rin, aking Diyos, na iyong sinisiyasat ang puso, at nalulugod ka sa katuwiran. Sa katuwiran ng aking puso ay aking kusang-loob na inihandog ang lahat ng bagay na ito, at ngayo'y nakita ko ang iyong bayan na naririto, kusang-loob at may kagalakang naghahandog sa iyo. O PANGINOON, ang Diyos ni Abraham, ni Isaac, at ni Israel na aming mga ninuno, ingatan mo nawa magpakailanman ang mga gayong layunin at mga pag-iisip ng puso ng iyong bayan, at ituon mo ang kanilang puso sa iyo. Bigyan mo si Solomon na aking anak ng sakdal na puso, upang ingatan niya ang iyong mga utos, mga patotoo, mga batas, upang gawin ang lahat ng bagay na ito, at upang itayo niya ang templo, na siyang aking pinaghandaan." Sinabi ni David sa buong kapulungan, "Ngayo'y purihin ninyo ang PANGINOON ninyong Diyos. Ang buong kapulungan ay nagpuri sa PANGINOON, sa Diyos ng kanilang mga ninuno; iniyukod ang kanilang mga ulo, sumamba sa PANGINOON, at nagbigay-galang sa hari." Sila'y nag-alay ng mga handog sa PANGINOON, at kinabukasan ay naghandog sa PANGINOON ng mga handog na sinusunog na isang libong baka, isang libong tupang lalaki, at isang libong kordero, pati mga inuming handog na para sa mga iyon, at ng saganang alay ukol sa buong Israel. Sila'y kumain at uminom sa harap ng PANGINOON nang araw na iyon na may malaking kasayahan. Sa ikalawang pagkakataon ay kanilang ginawang hari si Solomon na anak ni David, at binuhusan siya ng langis bilang pinuno para sa PANGINOON at si Zadok bilang pari. Pagkatapos ay umupo si Solomon sa trono ng PANGINOON bilang hari na kapalit ni David na kanyang ama; at siya'y nagtagumpay, at ang buong Israel ay sumunod sa kanya. Ang lahat ng pinuno at ang mga mandirigma, at ang lahat ng mga anak ni Haring David ay nangako ng kanilang katapatan kay Haring Solomon. Pinadakilang mabuti ng PANGINOON si Solomon sa paningin ng buong Israel, at binigyan ng karangalan bilang hari na hindi tinanggap ng sinumang nauna sa kanya sa Israel. Sa gayon naghari si David na anak ni Jesse sa buong Israel. Ang panahon ng kanyang paghahari sa Israel ay apatnapung taon; pitong taon siyang naghari sa Hebron, at tatlumpu't tatlong taon naman sa Jerusalem. Pagkatapos siya'y namatay sa sapat na katandaan, puspos ng mga araw, mga kayamanan, at karangalan; at si Solomon na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. At ang mga gawa ni Haring David, mula sa una hanggang huli ay nakasulat sa Kasaysayan ni Samuel na tagakita at sa Kasaysayan ni Natan na propeta, at sa Kasaysayan ni Gad na tagakita; pati ang salaysay ng kanyang buong paghahari, ang kanyang kapangyarihan at ang mga pangyayaring dumating sa kanya at sa Israel, at sa lahat ng mga kaharian sa daigdig. Pinatatag ni Solomon na anak ni David ang sarili sa kanyang kaharian, at ang PANGINOON niyang Diyos ay kasama niya at ginawa siyang lubhang dakila. Nagsalita si Solomon sa buong Israel, sa mga punong kawal ng libu-libo at ng daan-daan, sa mga hukom, at sa lahat ng mga pinuno sa buong Israel, na mga puno ng mga sambahayari. Si Solomon at ang buong kapulungan na kasama niya ay pumunta sa mataas na dako na nasa Gibeon, sapagkat ang toldang tipanan ng Diyos na ginawa ni Moises na lingkod ng PANGINOON sa ilang ay naroon. Ngunit ang kaban ng Diyos ay dinala ni David mula sa Kiryat-jearim hanggang sa dakong pinaghandaan ni David para dito sapagkat ito ay kanyang ipinagtayo ng tolda sa Jerusalem. Bukod dito, ang dambanang tanso na ginawa ni Bezalel na anak ni Uri, na anak ni Hur ay naroon sa harapan ng tabernakulo ng PANGINOON. Doon ay sumangguni sa PANGINOON si Solomon at ang kapulungan. Si Solomon ay umakyat sa dambanang tanso sa harapan ng PANGINOON na nasa toldang tipanan at nag-alay doon ng isang libong handog na sinusunog. Nang gabing iyon, nagpakita ang Diyos kay Solomon at sinabi sa kanya, "Hingin mo ang dapat kong ibigay sa iyo." Sinabi ni Solomon sa Diyos, "Ikaw ay nagpakita ng malaki at tapat na pag-ibig kay David na aking ama, at ginawa mo akong hari na kapalit niya. O PANGINOONG Diyos, matupad nawa ngayon ang iyong pangako kay David na aking ama, sapagkat ginawa mo akong hari sa isang bayan na kasindami ng alabok sa lupa. Bigyan mo ako ngayon ng karunungan at kaalaman upang ako'y makalabas-masok sa harapan ng bayang ito; sapagkat sinong makakapamahala dito sa iyong bayang napakalaki?" Sinabi ng Diyos kay Solomon, "Sapagkat ito ay nasa iyong puso, at hindi ka humingi ng ari-arian, kayamanan, karangalan o ng buhay man ng mga napopoot sa iyo, at hindi ka man lamang humingi ng mahabang buhay, kundi humingi ka ng karunungan at kaalaman para sa iyong sarili, upang iyong mapamahalaan ang aking bayan na dito ay ginawa kitang hari, ang karunungan at kaalaman ay ipinagkakaloob sa iyo. Bibigyan din kita ng kayamanan, ari-arian, at karangalan, na walang haring nauna o kasunod mo ang magkakaroon nang gayon." Sa gayo'y umalis si Solomon mula sa mataas na dako na nasa Gibeon, mula sa harapan ng toldang tipanan patungo sa Jerusalem. At siya'y naghari sa Israel. Nagtipon si Solomon ng mga karwahe at mga mangangabayo; siya'y may isang libo at apatnaraang karwahe, labindalawang libong mangangabayo, na kanyang inilagay sa bayan ng mga karwahe, at kasama ng hari sa Jerusalem. Ginawa ng hari ang pilak at ginto na karaniwan sa Jerusalem na gaya ng bato, at ginawa niya ang mga sedro na kasindami ng mga sikomoro ng Shefela. Ang mga kabayo ni Solomon ay inangkat mula sa Ehipto at Kue, at tinanggap ito ng mga mangangalakal ng hari mula sa Kue sa halagang umiiral. Sila ay umangkat mula sa Ehipto ng isang karwahe sa halagang animnaraang siklong pilak, at ang isang kabayo sa halagang isandaan at limampu. Gayundin, sa pamamagitan nila, ang mga ito ay ipinagbili sa lahat ng mga hari ng mga Heteo, at sa mga hari ng Siria. Si Solomon ay nagpasiyang magtayo ng templo para sa pangalan ng PANGINOON, at ng isang maharlikang palasyo para sa kanyang sarili. Si Solomon ay nangalap ng pitumpung libong lalaki upang magbuhat ng mga pasan at walumpung libong lalaki upang tumibag ng bato sa maburol na lupain, at tatlong libo at animnaraan upang mamahala sa kanila. At si Solomon ay nagpasabi kay Huram na hari ng Tiro, "Kung ano ang iyong ginawa kay David na aking ama na pinadalhan mo ng mga sedro upang magtayo siya ng bahay na matitirahan, gayundin ang gawin mo sa akin. Malapit na akong magtayo ng bahay para sa pangalan ng PANGINOON kong Diyos, at italaga ito sa kanya upang pagsunugan ng mabangong insenso sa harapan niya, at para sa palagiang handog na tinapay, at para sa mga handog na sinusunog sa umaga at hapon, sa mga Sabbath, sa mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan ng PANGINOON naming Diyos, gaya ng itinalaga magpakailanman para sa Israel. Ang bahay na aking itatayo ay magiging dakila sapagkat ang aming Diyos ay higit na dakila kaysa lahat ng mga diyos. Ngunit sinong makapagtatayo para sa kanya ng isang bahay, yamang sa langit, maging sa pinakamataas na langit ay hindi siya magkakasiya? Sino ako upang ipagtayo ko siya ng isang bahay, maliban sa isang dakong pagsusunugan ng insenso sa harapan niya? Ngayo'y padalhan mo ako ng isang lalaki na bihasang gumawa sa ginto, pilak, tanso, bakal, at sa kulay ube, matingkad na pula, at asul na tela, na sanay rin sa pag-ukit, upang makasama ng mga bihasang manggagawang kasama ko sa Juda at sa Jerusalem, na inilaan ni David na aking ama. Padalhan mo rin ako ng mga kahoy na sedro, sipres, at algum na mula sa Lebanon, sapagkat alam ko na ang iyong mga lingkod ay marunong pumutol ng troso sa Lebanon. Ang aking mga lingkod ay makakasama ng iyong mga lingkod, upang ipaghanda ako ng napakaraming kahoy, sapagkat ang bahay na aking itatayo ay magiging dakila at kahanga-hanga. Ako'y magbibigay sa iyong mga lingkod na mga mamumutol ng kahoy ng dalawampung libong koro ng binayong trigo, dalawampung libong koro ng sebada, dalawampung libong bat ng alak, at dalawampung libong bat ng langis." Si Huram na hari ng Tiro ay sumagot sa sulat na kanyang ipinadala kay Solomon, "Sapagkat minamahal ng PANGINOON ang kanyang bayan ay ginawa ka niyang hari sa kanila." Sinabi rin ni Huram, "Purihin ang PANGINOONG Diyos ng Israel na gumawa ng langit at lupa na nagbigay kay Haring David ng isang pantas na anak, na pinagkalooban ng mahusay na pagpapasiya at pang-unawa, upang magtayo ng isang bahay para sa PANGINOON, at ng isang maharlikang palasyo para sa kanyang sarili. "At ngayo'y nagsugo ako ng isang bihasa at matalinong lalaki, si Huramabi, na anak ng isang babae sa mga anak ni Dan; at ang kanyang ama ay taga-Tiro. Siya ay sinanay sa paggawa sa ginto, pilak, tanso, bakal, bato at kahoy, at sa kulay-ube, asul, at sa matingkad na pula at pinong tela, at sa lahat ng uri ng pag-ukit at sa paggawa ng anumang palamuti na maaaring ipagawa sa kanya, kasama ng iyong mga bihasang manggagawa na mga manggagawa rin ng aking panginoong si David na iyong ama. Kaya't ngayon, ang trigo at sebada, ang langis at ang alak na binanggit ng aking panginoon ay ipadala niya sa kanyang mga lingkod. Aming puputulin ang gaano mang karaming troso na kailangan mo mula sa Lebanon, at aming dadalhin sa iyo na parang mga balsa na idaraan sa dagat hanggang sa Joppa, upang iyong madala sa Jerusalem." Pagkatapos ay binilang ni Solomon ang lahat ng mga dayuhan na nasa lupain ng Israel, ayon sa pagbilang na ginawa sa kanila ni David na kanyang ama; at iyon ay umabot ng isandaan limampu't tatlong libo at animnaraan. Pitumpung libo sa kanila ay kanyang itinalaga na tagabuhat ng pasan, walumpung libo na mga tagatibag ng bato sa maburol na lupain, at tatlong libo at animnaraan bilang kapatas upang mapagtrabaho ang taong-bayan. Pinasimulang itayo ni Solomon ang bahay ng PANGINOON sa Jerusalem sa ibabaw ng Bundok Moria, na doon ay nagpakita ang PANGINOON kay David na kanyang ama, sa lugar na itinakda ni David, sa giikan ni Oman na Jebuseo. Siya'y nagpasimulang magtayo nang ikalawang buwan ng ikaapat na taon ng kanyang paghahari. Ang mga ito ang sukat na ginamit ni Solomon para sa pagtatayo ng bahay ng Diyos. Ang haba sa mga siko ayon sa matandang panukat ay animnapung siko, at ang luwang ay dalawampung siko. Ang portiko na nasa harapan ng bahay ay dalawampung siko, kasinluwang ng bahay; at ang taas ay isandaan at dalawampung siko. Ito ay kanyang binalutan ng lantay na ginto sa loob. Mismong ang bahay ay kanyang nilagyan ng kisame ng kahoy na sipres, at binalot ito ng lantay na ginto, at ginawan ito ng mga palma at mga tanikala. Kanyang pinalamutian ang bahay ng mga mamahaling bato. Ang ginto ay mula sa Parvaim. Kanyang binalutan ng ginto ang bahay, ang mga biga, mga pasukan, mga dingding, at ang mga pinto; at inukitan niya ng mga kerubin ang mga dingding. Kanyang ginawa ang dakong kabanal-banalan; ang haba nito ay katumbas ng luwang ng bahay, dalawampung siko, at ang luwang nito ay dalawampung siko. Kanyang binalutan ito ng dalisay na ginto na may timbang na animnaraang talento. Ang bigat ng mga pako ay limampung siklong ginto. At kanyang binalutan ng ginto ang mga silid sa itaas. Sa dakong kabanal-banalan ay gumawa siya ng dalawang kerubin na yari sa kahoy at binalot ang mga ito ng ginto. Ang mga pakpak ng mga kerubin na sama-samang nakabuka ay dalawampung siko ang haba; ang pakpak ng isa ay limang siko na abot sa dingding ng bahay; at ang kabilang pakpak na limang siko ay abot sa pakpak ng unang kerubin. Ang pakpak ng isang kerubin ay limang siko na abot sa dingding ng bahay; at ang kabilang pakpak ay limang siko rin na nakalapat sa pakpak ng unang kerubin. Ang mga pakpak ng mga kerubing ito ay umaabot ng dalawampung siko; ang mga kerubin ay nakatayo sa kanilang mga paa, nakaharap sa bahay. Ginawa niya ang tabing na asul, ube, matingkad na pulang tela at pinong lino, at ginawan ang mga ito ng mga kerubin. Sa harapan ng bahay ay gumawa siya ng dalawang haligi na tatlumpu't limang siko ang taas, at ang kapitel na nasa ibabaw ng bawat isa sa mga iyon ay limang siko. Siya'y gumawa ng mga tanikalang gaya ng kuwintas at inilagay sa ibabaw ng mga haligi; at siya'y gumawa ng isandaang granada, at inilagay sa mga tanikala. Kanyang itinayo ang mga haligi sa harapan ng templo, ang isa'y sa timog, at ang isa'y sa hilaga; ang nasa timog ay tinawag na Jakin, at ang nasa hilaga ay Boaz. Gumawa siya ng dambanang tanso na dalawampung siko ang haba, dalawampung siko ang luwang, at sampung siko ang taas. Pagkatapos ay gumawa siya ng hinulmang lalagyan ng tubig; ito ay pabilog, sampung siko mula sa labi't labi, at ang taas nito ay limang siko; at ang sukat sa palibot ay tatlumpung siko. Sa ilalim nito ay mga anyo ng mga baka na sampling siko na nakapaligid sa sisidlan ng tubig. Ang mga baka ay dalawang hanay na hinulmang kasama niyon. Ito ay nakatayo saibabaw ng labindalawang baka, ang tatlo'y nakaharap sa hilaga, at ang tatlo'y nakaharap sa kanluran, ang tatlo'y nakaharap sa timog, at ang tatlo'y nakaharap sa silangan. Ang sisidlan ng tubig ay nakapatong sa ibabaw ng mga iyon, at lahat ng kanilang bahaging likuran ay nasa paloob. Ang kapal nito ay isang dangkal at ang labi nito ay yaring gaya ng labi ng isang saro, gaya ng bulaklak ng liryo, ito'y naglalaman ng tatlong libong bat. Gumawa rin siya ng sampung hugasan, at inilagay ang lima sa timog, at lima sa hilaga. Sa mga ito nila huhugasan ang mga ginamit sa handog na sinusunog, at ang lalagyan ng tubig ay paliguan ng mga pari. Siya'y gumawa ng sampung ilawang ginto ayon sa utos at inilagay ang mga iyon sa templo; lima sa timog at lima sa hilaga. Gumawa rin siya ng sampung hapag at inilagay ang mga iyon sa templo; lima sa dakong timog at lima sa hilaga. Siya'y gumawa ng isandaang palangganang ginto. Ginawa niya ang bulwagan ng mga pari, ang malaking bulwagan, at ang mga pinto para sa bulwagan at binalot ng tanso ang kanilang mga pinto; at kanyang inilagay ang sisidlan ng tubig sa dakong timog-silangang sulok ng bahay. Gumawa rin si Huramabi ng mga palayok, mga pala, at mga palanggana. Gayon tinapos ni Huramabi ang gawain na ginawa niya para kay Haring Solomon sa bahay ng Diyos: ang dalawang haligi, mga mangkok, ang dalawang kapitel na nasa dulo ng mga haligi, at ang dalawang korona na tumatakip sa dalawang mangkok ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi; at ang apatnaraang granada para sa dalawang korona; dalawang hanay ng granada para sa bawat korona, upang tumakip sa dalawang mangkok ng mga kapitel na nasa dulo ng mga haligi. Gumawa rin siya ng mga patungan, at ng mga hugasan sa ibabaw ng mga patungan; ng isang malaking sisidlan ng tubig, at ng labindalawang baka na nasa ilalim nito. Ang mga palayok, mga pala, mga pantusok, at lahat ng kasangkapan nito ay ginawa ni Huramabi mula sa tansong binuli para kay Haring Solomon para sa bahay ng PANGINOON. Sa kapatagan ng Jordan ipinahulma ng hari ang mga iyon, sa lupang luwad sa pagitan ng Sucot at Zereda. Ginawa ni Solomon ang lahat ng mga bagay na ito nang maramihan, anupa't hindi matiyak ang timbang ng tanso. Sa gayon ginawa ni Solomon ang lahat ng mga bagay na nasa bahay ng Diyos: ang gintong dambana, ang mga hapag para sa tinapay na handog, ang mga ilawan at mga ilaw nito na dalisay na ginto na magniningas sa loob ng santuwaryo ayon sa iniutos; ang mga bulaklak, mga ilawan, mga panipit na ginto, na pawang yari sa pinakadalisay na ginto; ang mga gunting, mga palanggana, mga sandok, mga pinggan para sa insenso na dalisay na ginto; at ang pintuan ng templo, para sa panloob na pintuan patungo sa dakong kabanal-banalan, at para sa pintuan ng templo ay yari sa ginto. Kaya't natapos ang lahat ng gawaing ginawa ni Solomon para sa bahay ng PANGINOON. Ipinasok ni Solomon ang mga bagay na itinalaga ni David na kanyang ama; at itinago ang pilak, ginto, at ang lahat ng mga kagamitan sa kabang-yaman ng bahay ng Diyos. Pinulong ni Solomon sa Jerusalem ang matatanda ng Israel, at ang lahat ng puno ng mga lipi, ang mga pinuno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng mga anak ni Israel, upang dalhin ang kaban ng tipan ng PANGINOON mula sa lunsod ni David na siyang Zion. Ang lahat ng lalaki ng Israel ay nagtipuntipon sa harapan ng hari sa kapistahan na nasa ikapitong buwan. Dumating ang lahat ng matatanda sa Israel at pinasan ng mga Levita ang kaban. Kanilang dinala ang kaban, ang toldang tipanan, at ang lahat ng mga banal na kasangkapang nasa tolda; ang mga ito'y dinala ng mga pari at ng mga Levita. Si Haring Solomon at ang buong kapulungan ng Israel na nagtipun-tipon sa harapan niya ay nasa harapan ng kaban, na naghahandog ng napakaraming mga tupa at mga baka, na ang mga ito ay hindi mabilang. Ipinasok ng mga pari ang kaban ng tipan ng PANGINOON sa kalalagyan sa panloob na santuwaryo ng bahay, sa kabanal-banalang dako, sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin. Sapagkat iniladlad ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak sa ibabaw ng kaban, kaya't ang mga kerubin ay lumulukob sa kaban at sa mga pasanan nito. Ang mga pasanan ay napakahaba kaya't ang mga dulo ng mga pasanan ay nakikita mula sa banal na dako sa harapan ng panloob na santuwaryo, ngunit ang mga ito ay hindi nakikita sa labas; at ang mga iyon ay naroroon hanggang sa araw na ito. Walang anumang bagay sa loob ng kaban maliban sa dalawang tapyas ng bato na inilagay doon ni Moises sa Horeb, na doon ang PANGINOON ay nakipagtipan sa mga anak ni Israel, nang sila'y lumabas sa Ehipto. Nang ang mga pari ay lumabas sa banal na dako (sapagkat ang lahat ng pari na naroroon ay nagtalaga ng kanilang mga sarili, at hindi sinunod ang kanilang pagkakapangkat-pangkat. Lahat ng mga mang-aawit na mga Levita, sina Asaf, Heman, Jedutun, at ang kanilang mga anak at mga kapatid, na nakadamit ng pinong lino, na may mga pompiyang, mga salterio, at mga alpa, ay nakatayo sa gawing silangan ng dambana na may kasamang isandaan at dalawampung pari na umiihip ng mga trumpeta. Katungkulan ng mga umiihip ng trumpeta at ng mga mang-aawit na sila'y marinig na sama-sama sa pagpupuri at pasasalamat sa PANGINOON), at nang ang awit ay inilakas, na may mga trumpeta at mga pompiyang at iba pang kagamitang panugtog, sa pagpupuri sa PANGINOON, "Sapagkat siya'y mabuti; sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman," ang bahay ng PANGINOON ay napuno ng ulap, kaya't ang mga pari ay hindi makatayo upang makapaglingkod dahil sa ulap; sapagkat ang kaluwalhatian ng PANGINOON ang pumuno sa bahay ng Diyos. Pagkatapos ay sinabi ni Solomon, "Sinabi ng PANGINOON na siya'y titira sa makapal na kadiliman. Ipinagtayo kita ng isang marangyang bahay, isang lugar na titirhan mo magpakailanman." Pumihit ang hari at binasbasan ang buong kapulungan ng Israel, samantalang ang buong kapulungan ng Israel ay nakatayo. Kanyang sinabi, "Purihin ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel, na sa pamamagitan ng kanyang kamay ay tinupad ang kanyang ipinangako sa pamamagitan ng kanyang bibig kay David na aking ama na sinasabi, 'Mula nang araw na aking ilabas ang aking bayan buhat sa lupain ng Ehipto, hindi pa ako pumili ng lunsod mula sa lahat ng mga lipi ng Israel upang pagtayuan ng bahay, upang ang aking pangalan ay manatili roon; at hindi ako pumili ng sinumang lalaki bilang pinuno ng aking bayang Israel. Ngunit aking pinili ang Jerusalem upang ang aking pangalan ay manatili roon at aking pinili si David upang mamahala sa aking bayang Israel.' Nasa puso ni David na aking ama ang magtayo ng isang bahay para sa pangalan ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel. Ngunit sinabi ng PANGINOON kay David na aking ama, "Yamang nasa iyong puso ang magtayo ng isang bahay para sa aking pangalan, mabuti ang iyong ginawa na ito ay nasa iyong puso. Gayunma'y hindi ikaw ang magtatayo ng bahay, kundi ang iyong anak na ipapanganak sa iyo ang siyang magtatayo ng bahay para sa aking pangalan.' Ngayo'y tinupad ng PANGINOON ang kanyang ginawang pangako, sapagkat ako'y naging kapalit ni David na aking ama, at umupo sa trono ng Israel, gaya ng ipinangako ng PANGINOON, at itinayo ko ang bahay para sa pangalan ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel. Doo'y aking inilagay ang kaban na kinalalagyan ng tipan ng PANGINOON na kanyang ginawa sa mga anak ni Israel." Pagkatapos si Solomon ay tumayo sa harapan ng dambana ng PANGINOON sa harapan ng buong kapulungan ng Israel, at iniunat ang kanyang mga kamay. Si Solomon ay may ginawang isang tuntungang tanso na limang siko ang haba, limang siko ang luwang, at tatlong siko ang taas. Inilagay niya ito sa gitna ng bulwagan at tumayo siya sa ibabaw nito. Pagkatapos ay lumuhod siya sa harapan ng buong kapulungan ng Israel, at itinaas ang kanyang mga kamay sa langit. Kanyang sinabi, "O PANGINOON, Diyos ng Israel, walang Diyos na gaya mo sa langit o sa lupa, na nag-iingat ng tipan at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa iyong mga lingkod na lumalakad nang buong puso sa harapan mo; ikaw na siyang tumupad para sa iyong lingkod na si David na aking ama, ng iyong ipinangako sa kanya. Tunay na ikaw ay nagsalita sa pamamagitan ng iyong bibig, at sa pamamagitan ng iyong kamay ay tinupad mo sa araw na ito. Ngayon, O PANGINOON, Diyos ng Israel, tuparin mo sa iyong lingkod na si David na aking ama ang iyong ipinangako sa kanya, na sinasabi, 'Hindi ka mawawalan ng kahalili sa aking paningin na uupo sa trono ng Israel, kung ang iyong mga anak lamang ay mag-iingat sa kanilang landas, at lalakad sa aking kautusan, gaya ng paglakad mo sa harapan ko.' Kaya't ngayon, O PANGINOON, Diyos ng Israel, pagtibayin mo ang iyong salita na iyong sinabi sa iyong lingkod na si David. "Ngunit totoo bang ang Diyos ay maninirahang kasama ng mga tao sa lupa? Sa langit at sa pinakamataas na langit ay hindi ka magkasiya; gaano pa kaya sa bahay na ito na aking itinayo! Isaalang-alang mo ang panalangin ng iyong lingkod at ang kanyang pagsamo, O PANGINOON kong Diyos, iyong pakinggan ang daing at dalangin na idinudulog ng iyong lingkod sa iyo. Ang iyong mga mata ay maging bukas nawa sa araw at gabi sa bahay na ito, ang dakong iyong ipinangako na paglalagyan mo ng iyong pangalan, at nawa'y pakinggan mo ang panalangin na iniaalay ng iyong lingkod sa dakong ito. Pakinggan mo ang mga samo ng iyong lingkod at ng iyong bayang Israel, kapag sila'y nananalangin paharap sa dakong ito; pakinggan mo nawa mula sa langit na iyong dakong tirahan; at kapag iyong narinig, magpatawad ka. "Kung ang isang tao ay magkasala laban sa kanyang kapwa at pinasumpa siya, at siya'y dumating at nanumpa sa harapan ng iyong dambana sa bahay na ito, ay pakinggan mo nawa mula sa langit, at kumilos ka, at hatulan mo ang iyong mga lingkod, na papagbayarin ang nagkasala sa pamamagitan ng paglalagay ng kanyang ginawa sa kanyang sariling ulo at pawalang-sala ang matuwid sa pamamagitan ng pagganti sa kanya ayon sa kanyang matuwid na gawa. "Kung ang iyong bayang Israel ay matalo ng kaaway, sapagkat sila'y nagkasala laban sa iyo, kapag sila'y nanumbalik at kilalanin ang iyong pangalan, at manalangin at dumaing sa iyo sa bahay na ito, dinggin mo mula sa langit, at patawarin mo ang kasalanan ng iyong bayang Israel, at muli mo silang dalhin sa lupain na iyong ibinigay sa kanila at sa kanilang mga ninuno. "Kapag ang langit ay nasarhan at walang ulan dahil sa sila'y nagkasala laban sa iyo, kung sila'y manalangin paharap sa dakong ito, at kilalanin ang iyong pangalan, at talikuran ang kanilang kasalanan, kapag pinarurusahan mo sila, pakinggan mo nawa mula sa langit, at patawarin ang kasalanan ng iyong mga lingkod, ng iyong bayang Israel, kapag iyong tinuturuan sila ng mabuting daan na dapat nilang lakaran; at bigyan ng ulan ang iyong lupain na iyong ibinigay sa iyong bayan bilang pamana. "Kung may taggutom sa lupain, kung may salot o pagkalanta, o amag, balang o tipaklong; kung kubkubin sila ng kanilang mga kaaway sa alinman sa kanilang mga lunsod, anumang salot o anumang sakit mayroon; anumang panalangin, anumang pagsamong gawin ng sinumang tao o ng iyong buong bayang Israel, na bawat isa'y nakakaalam ng sarili niyang kahirapan, at sarili niyang kalungkutan at iniunat ang kanyang mga kamay paharap sa bahay na ito, pakinggan mo nawa mula sa langit na iyong dakong tahanan, at magpatawad ka, at humatol sa bawat tao na ang puso ay iyong nalalaman, ayon sa lahat niyang mga lakad (sapagkat ikaw, ikaw lamang, ang nakakaalam ng puso ng mga anak ng mga tao); upang sila'y matakot sa iyo at lumakad sa iyong mga daan sa lahat ng mga araw na sila'y nabubuhay sa lupaing ibinigay mo sa aming mga ninuno. "Gayundin naman, kapag ang isang dayuhan na hindi kabilang sa iyong bayang Israel ay dumating mula sa isang malayong lupain dahil sa iyong dakilang pangalan, at sa iyong makapangyarihang kamay, at sa iyong unat na bisig, kapag siya'y dumating at nanalangin paharap sa bahay na ito, pakinggan mo nawa mula sa langit na iyong tahanan, at gawin mo ang ayon sa lahat ng itinatawag sa iyo ng dayuhan, upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa ang iyong pangalan at matakot sa iyo, gaya ng iyong bayang Israel, at upang kanilang makilala na ang bahay na ito na aking itinayo ay tinatawag sa pamamagitan ng iyong pangalan. "Kung ang iyong bayan ay lumabas upang makipagdigma sa kanilang mga kaaway, saanmang daan mo sila suguin, at sila'y manalangin sa iyo paharap sa lunsod na ito na iyong pinili, at sa bahay na aking itinayo para sa iyong pangalan, pakinggan mo nawa mula sa langit ang kanilang panalangin at ang kanilang samo, at ipaglaban mo ang kanilang kapakanan. "Kung sila'y magkasala laban sa iyo, — sapagkat walang taong hindi nagkakasala, — at ikaw ay galit sa kanila, at ibinigay mo sila sa isang kaaway, kaya't sila'y dinalang-bihag sa isang lupaing malayo o malapit; ngunit kung sila'y magising sa lupaing pinagdalhan sa kanila bilang bihag, at sila'y magsisi at magsumamo sa iyo sa lupain ng kanilang pagkabihag, na sinasabi, 'Kami ay nagkasala, kami ay gumawa ng may kalikuan at kasamaan,' kung sila'y magsisi ng kanilang buong pag-iisip at buong puso sa lupain ng kanilang pagkabihag, kung saan sila'y dinalang-bihag at manalangin paharap sa kanilang lupain na iyong ibinigay sa kanilang mga ninuno, sa lunsod na iyong pinili, at sa bahay na aking itinayo para sa iyong pangalan, pakinggan mo nawa mula sa langit na iyong dakong tahanan ang kanilang panalangin at ang kanilang mga samo, at ipaglaban mo ang kanilang kapakanan; at patawarin mo ang iyong bayan na nagkasala laban sa iyo. Ngayon, O Diyos ko, mabuksan nawa ang iyong mga mata at makinig ang iyong mga tainga sa panalangin sa dakong ito. "Ngayon nga'y bumangon ka, O PANGINOONG Diyos, at pumunta ka sa iyong pahingahang dako, ikaw at ang kaban ng iyong kapangyarihan. Mabihisan nawa ng kaligtasan, O PANGINOONG Diyos, ang iyong mga pari, at ang iyong mga banal ay magalak sa iyong kabutihan. O PANGINOONG Diyos, huwag mong tatalikuran ang iyong hinirang. Alalahanin mo ang iyong tapat na pag-ibig kay David na iyong lingkod." Nang matapos na ni Solomon ang kanyang panalangin, bumaba ang isang apoy mula sa langit at tinupok ang handog na sinusunog at ang mga alay at napuno ng kaluwalhatian ng PANGINOON ang templo. Ang mga pari ay hindi makapasok sa bahay ng PANGINOON, sapagkat napuno ng kaluwalhatian ng PANGINOON ang bahay ng PANGINOON. Nang makita ng lahat ng mga anak ni Israel ang apoy na bumaba at ang kaluwalhatian ng PANGINOON na nasa templo, iniyuko nila ang kanilang mga mukha sa lupa at sumamba, at nagpasalamat sa PANGINOON, na nagsasabi, "Sapagkat siya'y mabuti; sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman." Pagkatapos ang hari at ang buong bayan ay naghandog ng alay sa harapan ng PANGINOON. Si Haring Solomon ay naghandog bilang alay ng dalawampu't dalawang libong baka at isandaan at dalawampung libong tupa. Sa gayon itinalaga ng hari at ng buong bayan ang bahay ng Diyos. Ang mga pari ay nakatayo sa kanilang mga lugar; gayundin ang mga Levita na may mga kagamitang panugtog sa PANGINOON na ginawa ni Haring David para sa pasasalamat sa PANGINOON — sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman — tuwing si David ay mag-aalay ng papuri sa pamamagitan ng kanilang pangangasiwa. Katapat nila, ang mga pari ay nagpatunog ng mga trumpeta at ang buong Israel ay tumayo. Itinalaga ni Solomon ang gitna ng bulwagan na nasa harapan ng bahay ng PANGINOON; sapagkat doon niya inialay ang mga handog na sinusunog at ang taba ng mga handog pangkapayapaan, sapagkat hindi makaya ng tansong dambana na ginawa ni Solomon ang handog na sinusunog, ang handog na butil at ang taba. Nang panahong iyon ipinagdiwang ni Solomon at ng buong Israel na kasama niya ang kapistahan sa loob ng pitong araw. Iyon ay isang napakalaking kapulungan, mula sa pasukan sa Hamat hanggang sa batis ng Ehipto. Nang ikawalong araw, sila ay nagdaos ng isang taimtim na pagtitipon; sapagkat kanilang isinagawa ang pagtatalaga sa dambana sa loob ng pitong araw at ang kapistahan ay pitong araw. Sa ikadalawampu't tatlong araw ng ikapitong buwan, kanyang pinauwi ang bayan sa kani-kanilang mga tolda, na nagagalak at may masayang puso dahil sa kabutihan na ipinakita ng PANGINOON kay David, kay Solomon, at sa Israel na kanyang bayan. Sa gayon tinapos ni Solomon ang bahay ng PANGINOON at ang bahay ng hari. Lahat ng pinanukalang gawin ni Solomon sa bahay ng PANGINOON at sa kanyang sariling bahay ay matagumpay niyang nagawa. Pagkatapos ang PANGINOON ay nagpakita kay Solomon sa gabi, at sinabi sa kanya, "Narinig ko ang iyong dalangin, at pinili ko ang dakong ito para sa aking sarili bilang bahay ng pag-aalay. Kapag aking isinara ang langit upang huwag magkaroon ng ulan, o kung aking utusan ang balang upang lamunin ang lupain, o kung ako'y magsugo ng salot sa gitna ng aking bayan; at kung ang aking bayan na tinatawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpakumbaba at manalangin, at hanapin ako at tumalikod sa kanilang masasamang lakad; akin silang papakinggan mula sa langit, at patatawarin ko ang kanilang kasalanan at pagagalingin ang kanilang lupain. Ngayon ang aking mga mata ay mabubuksan, at ang aking mga tainga ay makikinig sa panalangin na ginagawa sa dakong ito. Sapagkat ngayon ay aking pinili at itinalaga ang bahay na ito upang ang aking pangalan ay manatili roon magpakailanman; ang aking mga mata at ang aking puso ay mananatili roon sa lahat ng panahon. Tungkol sa iyo, kung ikaw ay lalakad sa harapan ko, gaya ng paglakad ni David na iyong ama, at iyong gagawin ang ayon sa lahat ng aking iniutos sa iyo, at iyong iingatan ang aking mga tuntunin at ang aking mga batas, aking patatatagin ang trono ng iyong kaharian, gaya ng aking ipinakipagtipan kay David na iyong ama, na sinasabi, 'Hindi ka magkukulang ng lalaki na mamumuno sa Israel.' "Ngunit kung kayo ay humiwalay at talikuran ninyo ang aking mga tuntunin, at ang aking mga utos na aking inilagay sa harapan ninyo, at humayo at maglingkod sa ibang mga diyos at sambahin sila, aking bubunutin sila sa aking lupain na aking ibinigay sa kanila; at ang bahay na ito na aking itinalaga para sa aking pangalan ay itataboy ko sa aking paningin, at gagawin kong isang kawikaan at isang bukambibig sa lahat ng mga bayan. Sa bahay na ito na dakila, bawat magdaraan ay magtataka at magsasabi, 'Bakit ganito ang ginawa ng PANGINOON sa lupaing ito at sa bahay na ito?' Kanilang sasabihin, 'Sapagkat kanilang pinabayaan ang PANGINOONG Diyos ng kanilang mga ninuno na naglabas sa kanila sa lupain ng Ehipto, at bumaling sa ibang mga diyos, at sinamba at pinaglingkuran ang mga ito; kaya't kanyang dinala ang lahat ng kasamaang ito sa kanila.' " Sa pagtatapos ng dalawampung taon, na sa panahong iyon ay naitayo ni Solomon ang bahay ng PANGINOON at ang kanyang sariling bahay, muling itinayo ni Solomon ang mga lunsod na ibinigay ni Huram sa kanya, at pinatira roon ang mga anak ni Israel. Si Solomon ay pumaroon laban sa Hamatsoba, at sinakop ito. Kanyang itinayo ang Tadmor sa ilang at ang lahat ng bayang imbakan na kanyang itinayo sa Hamat. Itinayo rin niya ang Itaas na Bet-horon at ang Ibabang Bet-horon, mga may pader na lunsod, may mga pintuan, at mga halang, at ang Baalat at ang lahat ng bayang imbakan na pag-aari ni Solomon, at lahat ng bayan para sa kanyang mga karwahe, at ang mga bayan para sa kanyang mga mangangabayo, at anumang naisin ni Solomon na itayo sa Jerusalem, sa Lebanon, at sa buong lupain na kanyang nasasakupan. Lahat ng mga taong natira sa mga Heteo, Amoreo, Perezeo, Heveo, at mga Jebuseo, na hindi kabilang sa Israel; mula sa kanilang mga anak na naiwan pagkamatay nila sa lupain, na hindi pinuksa ng mga anak ni Israel — ang mga ito ay sapilitang pinagawa ni Solomon, hanggang sa araw na ito. Ngunit sa mga anak ni Israel ay walang ginawang alipin si Solomon sa kanyang gawain; sila'y mga kawal, kanyang mga pinuno, mga pinuno sa kanyang mga karwahe, at kanyang mga mangangabayo. Ito ang mga pangunahing pinuno ni Haring Solomon, dalawang daan at limampu, na may kapamahalaan sa taong-bayan. Dinala ni Solomon ang anak na babae ni Faraon mula sa lunsod ni David sa bahay na kanyang itinayo para sa kanya, sapagkat kanyang sinabi,, "Ang aking asawa ay hindi maninirahan sa bahay ni David na hari ng Israel, sapagkat ang mga lugar na kinalagyan ng kaban ng PANGINOON ay banal." At nag-alay si Solomon sa PANGINOON ng mga handog na sinusunog sa dambana ng PANGINOON na kanyang itinayo sa harapan ng portiko, ayon sa kinakailangan sa bawat araw, siya'y naghahandog ayon sa utos ni Moises, sa mga Sabbath, mga bagong buwan, at sa tatlong taunang kapistahan, ang kapistahan ng tinapay na walang pampaalsa, ang kapistahan ng mga sanlinggo, at ang kapistahan ng mga tolda. Ayon sa utos ni David na kanyang ama, kanyang hinirang ang mga pangkat ng mga pari para sa kanilang paglilingkod, at ang mga Levita sa kanilang mga katungkulan ng pagpupuri, at paglilingkod sa harapan ng mga pari, ayon sa kailangan sa bawat araw, at ang mga bantay-pinto sa kanilang mga pangkat para sa iba't ibang pintuan; sapagkat gayon ang iniutos ni David na tao ng Diyos. Sila'y hindi lumihis sa iniutos ng hari sa mga pari at mga Levita tungkol sa anumang bagay at tungkol sa mga kabang-yaman. Gayon naisagawa ang lahat ng gawain ni Solomon mula sa araw na ang saligan ng bahay ng PANGINOON ay nailagay at hanggang sa ito ay natapos. Gayon nayari ang bahay ng PANGINOON. Pagkatapos ay pumaroon si Solomon sa Ezion-geber at sa Eloth, sa dalampasigan ng dagat sa lupain ng Edom. Nagpadala sa kanya si Huram ng mga sasakyang dagat sa pamamagitan ng kamay ng kanyang mga lingkod, at mga lingkod na bihasa sa dagat. Sila'y pumunta sa Ofir na kasama ng mga lingkod ni Solomon, at kumuha mula roon ng apatnaraan at limampung talentong ginto at dinala ito kay Haring Solomon. Nang mabalitaan ng reyna ng Sheba ang katanyagan ni Solomon, siya'y pumunta sa Jerusalem upang siya'y subukin ng mahihirap na tanong, kasama ang maraming alalay, at mga kamelyo na may pasang mga pabango at napakaraming ginto at mga mamahaling bato. Nang siya'y dumating kay Solomon, sinabi niya sa kanya ang lahat ng nasa kanyang isipan. Sinagot ni Solomon ang lahat niyang mga tanong; walang bagay na nalingid kay Solomon na hindi niya maipaliwanag sa kanya. Nang makita ng reyna ng Sheba ang karunungan ni Solomon, ang bahay na kanyang itinayo, ang pagkain sa kanyang hapag, ang pagkakaupo ng kanyang mga pinuno, at ang pagsisilbi ng kanyang mga lingkod, at ang kanilang mga pananamit, ang kanyang mga tagahawak ng saro, at ang kanilang mga pananamit, at ang kanyang mga handog na sinusunog na kanyang iniaalay sa bahay ng PANGINOON, ay hindi na siya halos makahinga. Sinabi niya sa hari, "Totoo ang ulat na narinig ko sa aking sariling lupain tungkol sa iyong pamumuhay at karunungan, ngunit hindi ko pinaniwalaan ang mga ulat hanggang sa ako'y dumating at nakita ito ng aking sariling mga mata. Ang kalahati ng kalakhan ng iyong karunungan ay hindi nasabi sa akin; nahigitan mo pa ang ulat na aking narinig. Maliligaya ang iyong mga tauhan! Maliligaya itong iyong mga lingkod na patuloy na nakatayo sa harapan mo at naririnig ang iyong karunungan! Purihin ang PANGINOON mong Diyos na nalugod sa iyo at inilagay ka sa kanyang trono, upang maging hari para sa PANGINOON mong Diyos! Sapagkat minamahal ng iyong Diyos ang Israel at itatatag sila magpakailanman, ginawa ka niyang hari nila upang iyong igawad ang katarungan at katuwiran." Kanyang binigyan ang hari ng isandaan at dalawampung talentong ginto, napakaraming mga pabango at mahahalagang bato. Walang gayong mga pabango na gaya ng ibinigay ng reyna ng Sheba kay Haring Solomon. Bukod doon, ang mga lingkod ni Huram at ang mga lingkod ni Solomon, na nagpadala ng ginto mula sa Ofir ay nagdala ng mga kahoy na algum at mga mamahaling bato. Ang hari ay gumawa ng mga hagdanan mula sa mga kahoy na algum para sa bahay ng PANGINOON at para sa bahay ng hari, at ng mga alpa, at mga salterio para sa mga mang-aawit. Wala pang nakitang gaya ng mga iyon sa lupain ng Juda. Ibinigay ni Haring Solomon sa reyna ng Sheba ang lahat ng naisin niya, anumang hingin niya, na higit pang kapalit ng kanyang dinala sa hari. At siya'y bumalik at umuwi sa kanyang sariling lupain, kasama ang kanyang mga lingkod. Ang timbang ng ginto na dumating kay Solomon sa loob ng isang taon ay animnaraan at animnapu't anim na talentong ginto, bukod pa sa dinala ng mga negosyante at mga mangangalakal; at ang lahat ng mga hari sa Arabia at ang mga tagapamahala ng lupain ay nagdala ng ginto at pilak kay Solomon. Si Haring Solomon ay gumawa ng dalawandaang kalasag na yari sa pinitpit na ginto; animnaraang siklo ng pinitpit na ginto ang ginamit sa bawat kalasag. Siya'y gumawa ng tatlong daang kalasag na yari sa pinitpit na ginto; tatlong daang siklong ginto ang ginamit sa bawat kalasag; at ang mga ito ay inilagay ng hari sa Bahay ng Gubat ng Lebanon. Gumawa rin ang hari ng isang malaking tronong garing, at binalot ng dalisay na ginto. Ang trono ay may anim na baytang at isang gintong tuntungan na nakakapit sa trono, at sa bawat tagiliran ng upuan ay ang mga patungan ng kamay at dalawang leon na nakatayo sa tabi ng mga patungan ng kamay, at may labindalawang leon na nakatayo roon, isa sa bawat dulo ng isang baytang sa ibabaw ng anim na baytang. Walang ginawang gaya noon sa alinmang kaharian. Ang lahat ng inuman ni Solomon ay ginto, at ang lahat ng sisidlan sa Bahay ng Gubat ng Lebanon ay dalisay na ginto; ang pilak ay hindi itinuturing na mahalaga sa mga araw ni Solomon. Sapagkat ang mga sasakyang-dagat ng hari ay nagtungo sa Tarsis na kasama ng mga lingkod ni Huram; minsan sa bawat tatlong taon ay dumarating ang mga sasakyang-dagat ng Tarsis na may dalang ginto, pilak, garing, mga unggoy, at mga pabo real. Sa gayon nakahigit si Haring Solomon sa lahat ng hari sa lupa sa kayamanan at sa karunungan. Lahat ng mga hari sa lupa ay nagnais na makaharap si Solomon upang makinig sa karunungan niya na ipinagkaloob ng Diyos sa kanya. Bawat isa sa kanila ay nagdala ng kanya-kanyang kaloob, mga bagay na yari sa pilak at ginto, mga damit, mira, mga pabango, mga kabayo, at mga mola, ganoon karami taun-taon. Kaya't si Solomon ay may apat na libong silungan ng kabayo at mga karwahe, at labindalawang libong mangangabayo, na kanyang inilagay sa mga bayan ng mga karwahe, at kasama ng hari sa Jerusalem. Siya'y namuno sa lahat ng mga hari mula sa Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo at sa hangganan ng Ehipto. Ginawa ng hari ang pilak sa Jerusalem na karaniwan gaya ng bato, at ang mga sedro na kasindami ng mga puno ng sikomoro ng Shefela. Ang mga kabayo ay inangkat para kay Solomon mula sa Ehipto at mula sa lahat ng mga lupain. Ang iba nga sa mga gawani Solomon, mula sa una hanggang katapusan, di ba nakasulat sa kasaysayan ni Natan na propeta, at sa propesiya ni Ahias na Shilonita, at sa mga pangitain ni Iddo na propeta tungkol kay Jeroboam na anak ni Nebat? Si Solomon ay naghari sa Jerusalem sa buong Israel sa loob ng apatnapung taon. At si Solomon ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at siya'y inilibing sa lunsod ni David na kanyang ama; at si Rehoboam na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. Si Rehoboam ay pumunta sa Shekem, sapagkat ang buong Israel ay pumunta sa Shekem upang gawin siyang hari. Nang ito ay mabalitaan ni Jeroboam na anak ni Nebat (sapagkat siya'y nasa Ehipto, na doon siya tumakas mula kay Haring Solomon), si Jeroboam ay bumalik mula sa Ehipto. Sila'y nagsugo at ipinatawag siya. Si Jeroboam at ang buong Israel ay dumating at sinabi nila kay Rehoboam, "Pinabigat ng iyong ama ang aming pasanin. Ngayon nga'y pagaanin mo ang mabigat na paglilingkod ng iyong ama at ang kanyang mabigat na pasanin sa amin, at kami ay maglilingkod sa iyo." Sinabi niya sa kanila, "Pumarito kayong muli sa akin pagkalipas ng tatlong araw." Kaya't ang taong-bayan ay umalis. Pagkatapos si Haring Rehoboam ay sumangguni sa matatanda na tumayo sa harapan ni Solomon na kanyang ama noong siya'y nabubuhay pa, na sinasabi, 'Ano ang maipapayo ninyo sa akin sa pagsagot ko sa bayang ito?" Sinabi nila sa kanya, "Kung ikaw ay magiging mabait sa bayang ito, bibigyan sila ng kasiyahan, at magsasalita ka ng mabubuting salita sa kanila, sila ay magiging lingkod mo magpakailanman." Ngunit tinalikuran niya ang payong ibinigay sa kanya ng matatanda at sumangguni siya sa mga kabataang lumaking kasama niya at nakatayo sa harapan niya. Sinabi niya sa kanila, "Ano ang inyong maipapayo upang ating masagot ang bayang ito na nagsabi sa akin, 'Pagaanin mo ang pasanin na iniatang ng iyong ama sa amin?'" Sinabi sa kanya ng mga kabataang lumaking kasama niya, "Ganito ang iyong sasabihin sa bayan na nagsabi sa iyo, 'Pinabigat ng iyong ama ang aming pasanin; ngayon ay pagaanin mo para sa amin;' ganito ang iyong sasabihin sa kanila, 'Ang aking kalingkingan ay higit na makapal kaysa mga balakang ng aking ama. Ngayon, yamang inatangan kayo ng aking ama ng mabigat na pasanin, aking dadagdagan pa ang pasanin ninyo. Pinarusahan kayo ng aking ama ng mga latigo, ngunit parurusahan ko kayo ng mga alakdan.'" Kaya't si Jeroboam at ang buong bayan ay pumunta kay Rehoboam nang ikatlong araw, gaya ng iniutos ng hari, "Muli kayong bumalik sa akin sa ikatlong araw." Mabagsik silang sinagot ng hari at tinalikuran ni Haring Rehoboam ang payo ng matatanda. Si Haring Rehoboam ay nagsalita sa kanila ayon sa payo ng mga kabataan, na sinasabi, "Pinabigat ng aking ama ang pasanin ninyo, ngunit aking dadagdagan pa. Pinarusahan kayo ng aking ama ng mga latigo, ngunit parurusahan ko kayo ng mga alakdan." Sa gayo'y hindi nakinig ang hari sa taong-bayan; sapagkat iyon ay isang pagbabago ng mga pangyayari na ginawa ng Diyos upang matupad ng PANGINOON ang kanyang salita na kanyang sinabi kay Jeroboam na anak ni Nebat sa pamamagitan ni Ahias na Shilonita. Nang makita ng buong Israel na hindi sila pinakinggan ng hari, sumagot ang bayan sa hari, "Anong bahagi mayroon kami kay David? Wala kaming mana sa anak ni Jesse. Bawat isa sa inyong tolda, O Israel! Tumingin ka ngayon sa sarili mong bahay, David." Kaya't ang buong Israel ay humayo sa kani-kanilang tolda. Ngunit si Rehoboam ay naghari sa mga anak ni Israel na nakatira sa mga lunsod ng Juda. Nang suguin ni Haring Rehoboam si Hadoram, na tagapangasiwa sa sapilitang paggawa, ay pinagbabato siya ng mga anak ni Israel hanggang sa mamatay. At si Haring Rehoboam ay dali-daling sumakay sa kanyang karwahe upang tumakas patungo sa Jerusalem. Sa gayon ang Israel ay naghimagsik laban sa sambahayan ni David hanggang sa araw na ito. Nang dumating si Rehoboam sa Jerusalem, kanyang tinipon ang sambahayan ni Juda at ni Benjamin, na isandaan at walumpung libong mandirigma upang lumaban sa Israel, at ibalik ang kaharian kay Rehoboam. Ngunit ang salita ng PANGINOON ay dumating kay Shemaya na tao ng Diyos: "Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon, na hari ng Juda, at sa buong Israel sa Juda at Benjamin, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON, Huwag kayong aahon o lalaban sa inyong mga kapatid. Bumalik ang bawat lalaki sa kanyang bahay; sapagkat ang bagay na ito ay galing sa akin.'" Kaya't sila'y nakinig sa salita ng PANGINOON, at nagbalik at hindi umahon laban kay Jeroboam. Si Rehoboam ay nanirahan sa Jerusalem, at nagtayo siya ng mga lunsod sa Juda bilang sanggalang. Kanyang itinayo ang Bethlehem, Etam, Tekoa, Bet-zur, Soco, Adullam, Gat, Maresha, Zif, Adoraim, Lakish, Azeka, Zora, Ayalon, Hebron, mga lunsod na may kuta na nasa Juda at sa Benjamin. Kanyang pinatibay ang mga kuta, at naglagay ng punong kawal at nag-imbak ng pagkain, langis, at alak. Siya'y naglagay ng mga kalasag at mga sibat sa lahat ng mga bayan at pinalakas silang mabuti. Sa gayon niya hinawakan ang Juda at Benjamin. At ang mga pari at mga Levita na nasa buong Israel ay napasakop sa kanya mula sa lahat ng lugar na kanilang tinitirhan. Iniwan ng mga Levita ang kanilang mga lupain at ari-arian at nagtungo sa Juda at Jerusalem; sapagkat pinalayas sila ni Jeroboam at ng kanyang mga anak sa paglilingkod bilang mga pari ng PANGINOON, at siya'y humirang ng sarili niyang mga pari para sa matataas na dako, at para sa mga kambing na demonyo, at para sa mga guya na kanyang ginawa. At ang lahat ng naglagak ng kanilang mga puso upang hanapin ang PANGINOONG Diyos ng Israel ay dumating pagkatapos nila mula sa lahat ng lipi ng Israel sa Jerusalem upang maghandog sa PANGINOON, ang Diyos ng kanilang mga magulang. Kanilang pinalakas ang kaharian ng Juda, at sa loob ng tatlong taon ay pinatatag nila si Rehoboam na anak ni Solomon, sapagkat sila'y lumakad ng tatlong taon sa landas nina David at Solomon. Nag-asawa si Rehoboam kay Mahalat na anak ni Jerimot na anak ni David, at ni Abihail na anak ni Eliab, na anak ni Jesse; at siya'y nagkaanak sa kanyang mga lalaki; sina Jeus, Shemarias, at Zaham. Pagkatapos niya, kinuha niya si Maaca na anak na babae ni Absalom; ipinanganak nito sa kanya sina Abias, Atai, Ziza, at Shelomit. Minahal ni Rehoboam si Maaca na anak ni Absalom nang higit kaysa lahat ng kanyang mga asawa at sa kanyang mga asawang-lingkod (nagkaroon siya ng labingwalong asawa at animnapung asawang-lingkod, at mayroong dalawampu't walong anak na lalaki at animnapung anak na babae); at hinirang ni Rehoboam si Abias na anak ni Maaca bilang pinuno ng kanyang mga kapatid, sapagkat balak niyang gawin siyang hari. Siya'y kumilos na may katalinuhan, at kanyang ikinalat ang ilan sa kanyang mga anak sa buong lupain ng Juda at Benjamin, sa lahat ng bayang may pader; at kanyang binigyan sila ng saganang pagkain at humanap ng mga asawa para sa kanila. Nang ang paghahari ni Rehoboam ay naging matatag at malakas, kanyang tinalikuran ang kautusan ng PANGINOON, at ang buong Israel ay kasama niya. Nang ikalimang taon ni Haring Rehoboam, sapagkat sila'y naging taksil sa PANGINOON, si Shishac na hari ng Ehipto ay umahon laban sa Jerusalem, kasama ang isanlibo at dalawang daang karwahe, at animnapung libong mangangabayo. At ang mga taong dumating na kasama niya mula sa Ehipto ay di mabilang — mga taga-Libya, mga Sukiim, at mga taga-Etiopia. Kinuha niya ang mga lunsod ng Juda na may kuta at nakarating hanggang sa Jerusalem. At si Shemaya na propeta ay dumating kay Rehoboam at sa mga pi-nuno ng Juda na nagtipun-tipon sa Jerusalem dahil kay Shishac, at sinabi sa kanila, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, 'Pinabayaan ninyo ako, kaya't pinabayaan ko naman kayo sa kamay ni Shishac'" Nang magkagayon, ang mga pinuno ng Israel at ang hari ay nagpakumbaba at kanilang sinabi, "Ang PANGINOON ay matuwid." Nang makita ng PANGINOON na sila'y nagpakumbaba, ang salita ng PANGINOON ay dumating kay Shemaya: "Sila'y nagpakumbaba; hindi ko sila pupuksain, kundi bibigyan ko sila ng ilang pagliligtas, at ang aking poot ay hindi mabubuhos sa Jerusalem sa pamamagitan ng kamay ni Shishac. Gayunman, sila'y magiging kanyang lingkod upang kanilang makilala ang aking paglilingkod at ang paglilingkod ng mga kaharian ng mga lupain." Kaya't umahon si Shishac na hari ng Ehipto laban sa Jerusalem, tinangay niya ang mga kayamanan ng bahay ng PANGINOON at ang mga kayamanan ng bahay ng hari; kinuha niyang lahat ang mga iyon. Kinuha rin niya ang mga kalasag na ginto na ginawa ni Solomon. Si Haring Rehoboam ay gumawa ng mga kalasag na tanso bilang kapalit ng mga iyon, at ipinagkatiwala ang mga iyon sa mga kamay ng mga pinuno ng bantay, na nag-iingat ng pintuan ng bahay ng hari. Sa tuwing papasok ang hari sa bahay ng PANGINOON, ang bantay ay dumarating at dinadala ang mga iyon, at ibinabalik sa silid ng bantay. Nang siya'y magpakumbaba, ang PANGINOON ay hindi nagalit sa kanya, kaya't hindi na nagkaroon ng lubos na pagkawasak. Bukod dito, ang kalagayan sa Juda ay naging mabuti. Sa gayo'y pinatatag ni Haring Rehoboam ang sarili sa Jerusalem at siya'y naghari. Si Rehoboam ay apatnapu't isang taon nang siya'y nagpasimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing pitong taon sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ng PANGINOON sa lahat ng mga lipi ng Israel, upang ilagay ang kanyang pangalan doon. Ang pangalan ng kanyang ina ay Naama na Ammonita. Siya'y gumawa ng kasamaan, sapagkat hindi niya inilagak ang kanyang puso upang hanapin ang PANGINOON. Ang mga gawa ni Rehoboam, mula una hanggang sa katapusan, di ba nakasulat ang mga iyon sa kasaysayan ni Shemaya na propeta at ni Iddo na propeta? At mayroong patuloy na mga digmaan sa pagitan nina Rehoboam at Jeroboam. Si Rehoboam ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno at inilibing sa lunsod ni David; at si Abias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. Nang ikalabingwalong taon ni Haring Jeroboam, si Abias ay nagsimulang maghari sa Juda. Tatlong taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Micaya na anak ni Uriel na taga-Gibea. Noon ay mayroong digmaan sa pagitan nina Abias at Jeroboam. Si Abias ay nakipaglabang kasama ang isang hukbo ng matatapang na mandirigma, apatnaraang libong mga piling lalaki. At si Jeroboam ay humanay sa pakikipaglaban sa kanya na may walong daang libong piling malalakas na mandirigma. At si Abias ay tumayo sa Bundok ng Zemaraim na nasa lupaing maburol ng Efraim, at nagsabi, "Pakinggan ninyo ako, O Jeroboam at buong Israel! Hindi ba ninyo nalalaman na ibinigay ng PANGINOONG Diyos ng Israel ang paghahari sa Israel magpakailanman kay David at sa kanyang mga anak sa pamamagitan ng isang tipan ng asin? Gayunma'y si Jeroboam na anak ni Nebat, na lingkod ni Solomon na anak ni David, ay tumindig at naghimagsik laban sa kanyang panginoon; at may ilang mga walanghiyang lalaki na nagtipun-tipon sa paligid niya at hinamon si Rehoboam na anak ni Solomon, nang si Rehoboam ay bata pa at walang matatag na pasiya at hindi makapanalo sa kanila. "At ngayo'y inyong inaakalang madadaig ang kaharian ng PANGINOON sa kamay ng mga anak ni David, sapagkat kayo'y napakarami at may dala kayong mga gintong batang baka, na ginawa ni Jeroboam upang maging mga diyos ninyo. Hindi ba pinalayas ninyo ang mga pari ng PANGINOON, ang mga anak ni Aaron, at ang mga Levita, at kayo'y gumawa ng mga pari para sa inyo gaya ng mga bayan ng ibang mga lupain? Sinumang dumarating upang italaga ang sarili sa pamamagitan ng isang batang baka o ng pitong lalaking tupa ay nagiging pari ng hindi mga diyos. Ngunit sa ganang amin, ang PANGINOON ang aming Diyos, at hindi namin siya tinalikuran. Mayroon kaming mga pari na naglilingkod sa PANGINOON na mga anak ni Aaron at mga Levita para sa kanilang paglilingkod. Sila'y naghahandog sa PANGINOON tuwing umaga at hapon ng mga handog na sinusunog at ng kamanyang, at nag-aalay ng tinapay na handog sa hapag na dalisay na ginto, at iniingatan ang ilawang ginto upang ang mga ilawan nito ay magningas tuwing hapon, sapagkat aming iningatan ang bilin ng PANGINOON naming Diyos; ngunit inyong tinalikuran siya. Tingnan ninyo, ang Diyos ay kasama namin sa aming unahan, at ang kanyang mga pari na may mga trumpetang pandigma upang patunugin ang hudyat upang digmain kayo. O mga anak ni Israel, huwag kayong lumaban sa PANGINOON, sa Diyos ng inyong mga ninuno; sapagkat hindi kayo magtatagumpay." Si Jeroboam ay nagsugong isang pagtambang upang lumigid at sumalakay sa kanila mula sa likuran; kaya't ang kanyang mga kawal ay nasa harapan ng Juda at ang pagtambang ay nasa likuran nila. Nang ang Juda ay lumingon, ang labanan ay nasa harapan at likuran nila at sila'y sumigaw sa PANGINOON, at hinipan ng mga pari ang mga trumpeta. Pagkatapos ay sumigaw ng pakikipaglaban ang mga lalaki ng Juda; at nang sumigaw ang mga anak ng Juda, ginapi ng Diyos si Jeroboam at ang buong Israel sa harapan ni Abias at ng Juda. At ang mga Israelita ay tumakas sa harapan ng Juda; at sila'y ibinigay ng Diyos sa kamay ng Juda.! Tinalo sila ni Abias at ng kanyang mga tauhan sa isang napakalaking patayan; sa gayon, ang napatay sa Israel ay limang daang libong mga piling lalaki. Gayon nagapi ang mga anak ni Israel nang panahong iyon, at ang mga anak ni Juda ay nagtagumpay, sapagkat sila'y nagtiwala sa PANGINOON, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Hinabol ni Abias si Jeroboam, at inagawan siya ng mga bayan, ang Bethel at ang mga nayon niyon, ang Jeshana at ang mga nayon niyon, at ang Efton at ang mga nayon niyon. Hindi na nabawi ni Jeroboam ang kanyang kapangyarihan sa mga araw ni Abias; at sinaktan siya ng PANGINOON at siya'y namatay. Ngunit si Abias ay naging makapangyarihan. Kumuha siya ng labing-apat na asawa at nagkaroon ng dalawampu't dalawang anak na lalaki, at labing-anim na anak na babae. Ang iba pa sa mga gawa ni Abias, ang kanyang mga lakad, at ang kanyang mga sinabi ay nakasulat sa kasaysayan ni propeta Iddo. Kaya't natulog si Abias na kasama ng kanyang mga ninuno, at kanilang inilibing siya sa lunsod ni David, at si Asa na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. Sa kanyang mga araw ang lupain ay nagpahinga ng sampung taon. At si Asa ay gumawa ng mabuti at matuwid sa paningin ng PANGINOON niyang Diyos. Inalis niya ang mga ibang dambana at ang matataas na dako, at winasak ang mga haligi at ibinagsak ang mga sagradong poste, at inutusan ang Juda na hanapin ang PANGINOON, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, at tuparin ang batas at ang utos. Kanya ring inalis sa lahat ng bayan ng Juda ang matataas na dako at ang mga dambana ng kamanyang. At ang kaharian ay nagpahinga sailalim niya. Siya'y nagtayo ng mga lunsod na may kuta sa Juda sapagkat ang lupain ay nagkaroon ng kapahingahan. Siya'y hindi nagkaroon ng pakikidigma sa mga taong iyon sapagkat binigyan siya ng PANGINOON ng kapahingahan. At sinabi niya sa Juda, "Itayo natin ang mga lunsod na ito, at palibutan ng mga pader at mga muog, mga pintuan at mga halang. Ang lupain ay sa atin pa rin, sapagkat hinanap natin ang PANGINOON nating Diyos. Ating hinanap siya, at binigyan niya tayo ng kapahingahan sa lahat ng dako." Kaya't sila'y nagtayo at umunlad. Si Asa ay may hukbo na binubuo ng tatlong daang libo mula sa Juda, may sandata ng mga kalasag at mga sibat, at dalawandaan at walumpung libo mula sa Benjamin, na may dalang mga kalasag at pana. Lahat ng mga ito ay mga lalaking malalakas at matatapang. Si Zera na taga-Etiopia ay lumabas laban sa kanila na may hukbo na isang milyong katao at tatlong daang karwahe; at siya'y dumating hanggang sa Maresha. At lumabassi Asa upang harapin siya at sila'y humanay sa pakikipaglaban sa libis ng Sefata sa Maresha. Si Asa ay tumawag sa PANGINOON niyang Diyos, "PANGINOON, walang iba liban sa iyo na makakatulong, sa pagitan ng malakas at ng mahina. Tulungan mo kami, O PANGINOON naming Diyos, sapagkat kami ay nananalig sa iyo, at sa iyong pangalan ay pumarito kami laban sa karamihang ito. O PANGINOON, ikaw ang aming Diyos; huwag mong papagtagumpayin ang tao laban sa iyo." Kaya't ginapi ng PANGINOON ang mga taga-Etiopia sa harapan ni Asa at sa harapan ng Juda; at ang mga taga-Etiopia ay nagsitakas. At si Asa at ang mga tauhang kasama niya ay humabol sa kanila hanggang sa Gerar, at ang mga taga-Etiopia ay nabuwal hanggang sa walang naiwang buhay; sapagkat sila'y nawasak sa harapan ng PANGINOON at ng kanyang hukbo. Ang mga taga-Juda ay nagdala ng napakaraming samsam. Kanilang tinalo ang lahat ng lunsod sa palibot ng Gerar, sapagkat ang takot sa PANGINOON ay nasa kanila. Kanilang sinamsaman ang lahat ng bayan, sapagkat napakaraming samsam sa kanila. Kanila ring sinalakay ang mga tolda ng mga taong may mga hayop, at nagdala ng napakaraming tupa at mga kamelyo. Pagkatapos ay bumalik sila sa Jerusalem. Ang Espiritu ng Diyos ay dumating kay Azarias na anak ni Obed, at siya'y lumabas upang salubungin si Asa, at sinabi sa kanya, "Pakinggan ninyo ako, Asa, at buong Juda at Benjamin: Ang PANGINOON ay nasa panig ninyo samantalang kayo'y nasa panig niya. Kung inyong hahanapin siya, siya'y matatagpuan ninyo; ngunit kung siya'y tatalikuran ninyo, kanyang tatalikuran kayo. Sa loob ng mahabang panahon ang Israel ay walang tunay na Diyos, walang tagapagturong pari, at walang kautusan. Ngunit nang sa kanilang kahirapan ay nanumbalik sila sa PANGINOON, ang Diyos ng Israel, at kanilang hinanap siya, kanilang natagpuan siya. Nang mga panahong iyon ay walang kapayapaan sa taong lumabas, o sa taong pumasok, sapagkat malalaking ligalig ang nagpahirap sa lahat ng naninirahan sa mga lupain. Sila'y nagkadurug-durog, bansa laban sa bansa, at lunsod laban sa lunsod sapagkat niligalig sila ng Diyos ng bawat uri ng kaguluhan. Ngunit kayo, magpakatapang kayo! Huwag ninyong hayaang manghina ang inyong mga kamay, sapagkat ang inyong mga gawa ay gagantimpalaan." Nang marinig ni Asa ang mga salitang ito, ang propesiya ni Azarias na anak ni Obed, lumakas ang loob niya. Inalis niya ang mga karumaldumal na diyus-diyosan sa buong lupain ng Juda at ng Benjamin, at sa mga lunsod na kanyang sinakop sa lupaing maburol ng Efraim. Kanyang inayos ang dambana ng PANGINOON na nasa harapan ng portiko ng PANGINOON. At kanyang tinipon ang buong Juda at Benjamin, at ang mga galing sa Efraim, Manases, at Simeon na nakikipamayang kasama nila, sapagkat napakalaki ang bilang ng tumakas patungo sa kanya mula sa Israel nang kanilang makita na ang PANGINOON niyang Diyos ay kasama niya. Sila'y nagtipon sa Jerusalem sa ikatlong buwan ng ikalabinlimang taon ng paghahari ni Asa. Sila'y naghandog sa PANGINOON nang araw na iyon, mula sa samsam na kanilang dinala, pitong daang baka at pitong libong tupa. At sila'y nakipagtipan upang hanapin ang PANGINOON, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, ng kanilang buong puso at kaluluwa. Sinumang ayaw humanap sa PANGINOONG Diyos ng Israel ay papatayin, maging bata o matanda, lalaki o babae. Sila'y sumumpa sa PANGINOON na may malakas na tinig, may mga sigawan, may mga trumpeta, at may mga tambuli. Ikinagalak ng buong Juda ang panata, sapagkat sila'y namanata ng kanilang buong puso, at hinanap siya ng buo nilang hangarin. At siya'y natagpuan nila at binigyan sila ng PANGINOON ng kapahingahan sa palibot. Maging si Maaca na kanyang ina ay inalis ni Haring Asa sa pagiging inang reyna, sapagkat siya'y gumawa ng kasuklamsuklam na larawan para sa sagradong poste. Pinutol ni Asa ang kanyang larawan, dinurog ito, at sinunog sa batis ng Cedron. Ngunit ang matataas na dako ay hindi inalis sa Israel. Gayon ma'y ang puso ni Asa ay tapat sa lahat ng kanyang mga araw. At kanyang ipinasok sa bahay ng Diyos ang mga kaloob na itinalaga ng kanyang ama, at ang mga sarili niyang kaloob na kanyang itinalaga — pilak, ginto, at mga sisidlan. Hindi nagkaroon ng digmaan hanggang sa ikatatlumpu't limang taon ng paghahari ni Asa. Nang ikatatlumpu't anim na taon ng paghahari ni Asa, si Baasha na hari ng Israel ay pumunta laban sa Juda, at itinayo ang Rama, upang mahadlangan niya ang sinumang lalabas o pupunta kay Asa na hari ng Juda. At kumuha si Asa ng pilak at ginto mula sa mga kayamanan ng bahay ng PANGINOON at sa bahay ng hari, at ipinadala ang mga ito kay Ben-hadad, na hari ng Siria, na naninirahan sa Damasco, na sinasabi, "Magkaroon nawa ng pagkakasundo sa pagitan nating dalawa, gaya ng sa aking ama at sa iyong ama. Ako'y nagpapadala sa iyo ng pilak at ginto; humayo ka, sirain mo ang iyong pakikipagkasundo kay Baasha na hari ng Israel upang siya'y lumayo sa akin." At nakinig si Ben-hadad kay Haring Asa, at sinugo niya ang mga pinunong kawal ng kanyang mga hukbo laban sa mga bayan ng Israel, at kanilang nasakop ang Ijon, Dan, Abel-maim, at ang lahat ng mga bayang imbakan ng Neftali. Nang mabalitaan ito ni Baasha, inihinto niya ang pagtatayo ng Rama, at ipinatigil ang kanyang paggawa. Pagkatapos ay isinama ni Haring Asa ang buong Juda; at kanilang dinala ang mga bato ng Rama at ang kahoy nito, na ginagamit ni Baasha sa pagtatayo at ginamit din niya sa pagtatayo ng Geba at Mizpah. Nang panahong iyon ay pumunta kay Asa na hari sa Juda si Hanani na propeta, at sinabi sa kanya, "Sapagkat ikaw ay umasa sa hari ng Siria, at hindi ka umasa sa PANGINOON mong Diyos, tinakasan ka ng hukbo ng hari ng Siria. Hindi ba ang mga taga-Etiopia at ang mga Lubim ay isang napakalaking hukbo na may napakaraming mga karwahe at mangangabayo? Ngunit sapagkat ikaw ay umasa sa PANGINOON, kanyang ibinigay sila sa iyong kamay. Sapagkat ang mga mata ng PANGINOON ay nagpaparoo't parito sa palibot ng buong lupa, upang ipakita ang kanyang kapangyarihan alang-alang sa kanila na ang mga puso ay tapat sa kanya. Ikaw ay gumawang may kahangalan sa bagay na ito; sapagkat mula ngayo'y magkakaroon ka ng mga digmaan." Nang magkagayo'y nagalit si Asa sa propeta at inilagay siya sa bilangguan sapagkat siya'y nagalit sa kanya dahil sa bagay na ito. At pinagmalupitan ni Asa ang ilan sa mga taong-bayan nang panahon ding iyon. Ang mga gawa ni Asa, mula una hanggang sa katapusan ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel. Nang ikatatlumpu't siyam na taon ng kanyang paghahari, si Asa ay nagkaroon ng karamdaman sa kanyang mga paa; ang kanyang sakit ay naging malubha. Gayunman, maging sa kanyang pagkakasakit ay hindi niya hinanap ang PANGINOON, kundi humingi ng tulong sa mga manggagamot. Si Asa ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at namatay sa ikaapatnapu't isang taon ng kanyang paghahari. Kanilang inilibing siya sa libingan na kanyang ipinagawa para sa kanyang sarili sa lunsod ni David. Kanilang inihiga siya sa higaan na nilagyan ng iba't ibang uri ng espesia na inihanda ng manggagawa ng mga pabango. Sila'y gumawa ng isang napakalaking apoy para sa kanyang karangalan. Si Jehoshafat na kanyang anak ay nagharing kapalit niya at pinalakas ang kanyang sarili laban sa Israel. Naglagay siya ng mga kawal sa lahat ng mga lunsod na may kuta sa Juda, at naglagay ng mga tanggulan sa lupain ng Juda, at sa mga lunsod ng Efraim na sinakop ni Asa na kanyang ama. Ang PANGINOON ay kasama ni Jehoshafat, sapagkat siya'y lumakad sa mga unang lakad ng kanyang ama" at hindi niya hinanap ang mga Baal; kundi hinanap ang Diyos ng kanyang ama at lumakad sa kanyang mga utos, at hindi ayon sa mga gawa ng Israel. Kaya't pinatatag ng PANGINOON ang kaharian sa kanyang kamay. Ang buong Juda ay nagdala kay Jehoshafat ng mga kaloob at siya'y nagkaroon ng malaking kayamanan at karangalan. Ang kanyang puso ay matapang sa mga pamamaraan ng PANGINOON; at bukod dito'y inalis niya ang matataas na dako at ang mga sagradong posteng sa Juda. Nang ikatlong taon ng kanyang paghahari ay kanyang sinugo ang kanyang mga pinuno, sina Benhail, Obadias, Zacarias, Natanael, at Micaya upang magturo sa mga bayan ng Juda. Kasama nila ang mga Levita na sina Shemaya, Netanias, Zebadias, Asahel, Semiramot, Jonathan, Adonias, Tobia, at Tobadonias, at kasama ng mga Levitang ito ay ang mga paring sina Elishama at Jehoram. At sila'y nagturo sa Juda na may aklat ng kautusan ng PANGINOON. Sila'y humayo sa palibot ng lahat na bayan ng Juda at nagturo sa gitna ng bayan. At ang takot sa PANGINOON ay dumating sa lahat ng kaharian ng mga lupain na nasa palibot ng Juda, at sila'y hindi nakipagdigma laban kay Jehoshafat. Ang ilan sa mga Filisteo ay nagdala ng mga kaloob kay Jehoshafat at ng pilak bilang buwis; ang mga taga-Arabia ay nagdala naman sa kanya ng pitong libo at pitong daang lalaking tupa, at pitong libo at pitong daang kambing na lalaki. At si Jehoshafat ay lalong naging makapangyarihan. Siya'y nagtayo sa Juda ng mga muog at mga lunsod-imbakan, at siya'y nagkaroon ng maraming mga imbakan sa mga bayan ng Juda. Nagkaroon siya ng mga kawal, mga magigiting na mandirigma sa Jerusalem. Ito ang bilang nila ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno: mula sa Juda, ang mga punong kawal ng libu-libo; si Adna na punong kawal, na may kasamang tatlong daang libong magigiting na mandirigma; at sunod sa kanya ay si Jehohanan na punong kawal, na may dalawandaan at walumpung libo. Kasunod niya ay si Amasias na anak ni Zicri, isang kusang-loob para sa paglilingkod sa PANGINOON; na may dalawandaang libong magigiting na mandirigma. Mula sa Benjamin: si Eliada na isang magiting na mandirigma, na may dalawandaang libong tauhan na may sakbat na pana at kalasag, at sunod sa kanya ay si Jozabad na may isandaan at walumpung libo na may sandata sa pakikipagdigma. Ang mga ito ay naglingkod sa hari bukod sa mga inilagay ng hari sa mga lunsod na may kuta sa buong Juda. Si Jehoshafat ay nagkaroon ng malaking kayamanan at karangalan; at nakisanib siya kay Ahab sa pamamagitan ng pag-aasawa. Pagkalipas ng ilang taon, siya ay pumunta kay Ahab sa Samaria. At nagkatay si Ahab ng maraming tupa at baka para sa kanya at sa mga taong kasama niya, at hinimok siya na umahon laban sa Ramot-gilead. Sinabi ni Haring Ahab ng Israel kay Jehoshafat na hari ng Juda, "Sasama ka ba sa akin sa Ramot-gilead?" Kanyang sinagot siya, "Ako'y gaya mo, at ang aking bayan ay gaya ng iyong bayan. Kami ay sasama sa iyo sa digmaan." At sinabi ni Jehoshafat sa hari ng Israel, "Sumangguni ka muna kung ano ang salita ng PANGINOON." Nang magkagayo'y tinipon ng hari ng Israel ang mga propeta na apatnaraang katao, at sinabi sa kanila, "Pupunta ba kami sa Ramot-gilead upang makipaglaban, o magpipigil ako?" At sinabi nila, "Umahon ka; sapagkat ibibigay iyon ng Diyos sa kamay ng hari." Ngunit sinabi ni Jehoshafat, "Wala ba ritong iba pang propeta ng PANGINOON na maaari naming mapagsanggunian?" Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, "May isa pang lalaki na sa pamamagitan niya ay maaari tayong sumangguni sa PANGINOON, si Micaya na anak ni Imla. Ngunit kinapopootan ko siya, sapagkat kailanman ay hindi siya nagsasalita ng mabuting propesiya tungkol sa akin, kundi laging kasamaan." At sinabi ni Jehoshafat, "Huwag magsabi ng ganyan ang hari." At tumawag ng isang pinuno ang hari ng Israel, at sinabi, "Dalhin kaagad dito si Micaya na anak ni Imla." Noon ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda ay nakaupo sa kanilang mga trono, na nakadamit-hari. Sila'y nakaupo sa may giikan sa pasukan ng pintuan ng Samaria, at ang lahat ng mga propeta ay nagsasalita sa harapan nila. At si Zedekias na anak ni Canaana ay gumawa para sa kanyang sarili ng mga sungay na bakal, at kanyang sinabi, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, 'Sa pamamagitan ng mga ito ay iyong itutulak ang mga taga-Siria hanggang sila'y mapuksa.'" Lahat ng mga propeta ay nagsalita ng gayong propesiya, na sinasabi, "Umahon ka sa Ramot-gilead at magtagumpay; ibibigay iyon ng PANGINOON sa kamay ng hari." At ang sugo na umalis upang tawagin si Micaya ay nagsalita sa kanya, "Tingnan mo, ang mga salita ng mga propeta na nagkakaisa ay kaaya-aya sa hari. Ang iyong salita ay maging gaya ng isa sa kanila, at magsalita ka ng kaaya-aya." Ngunit sinabi ni Micaya, "Kung paanong buhay ang PANGINOON, kung ano ang sabihin ng aking Diyos, iyon ang aking sasabihin." At pagdating niya sa hari, sinabi ng hari sa kanya, "Micaya, hahayo ba kami sa Ramot-gilead upang lumaban, o magpipigil ba ako?" At siya'y sumagot, "Umahon ka at magtagumpay, sila'y ibibigay sa inyong kamay." Ngunit sinabi ng hari sa kanya, "Ilang ulit ba kitang uutusan na huwag magsalita sa akin ng anuman maliban sa katotohanan sa pangalan ng PANGINOON?" Kaya't kanyang sinabi, "Nakita ko ang buong Israel na nakakalat sa mga bundok, gaya ng mga tupa na walang pastol. At sinabi ng PANGINOON, 'Ang mga ito'y walang panginoon; hayaang umuwing payapa ang bawat isa sa kanyang tahanan.'" Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, "Di ba sinabi ko sa iyo na siya'y hindi magsasalita ng mabuting propesiya tungkol sa akin, kundi kasamaan?" Sinabi ni Micaya, "Kaya't pakinggan ninyo ang salita ng PANGINOON: Nakita ko ang PANGINOON na nakaupo sa kanyang trono, at ang lahat ng hukbo ng langit na nakatayo sa kanyang kanan at sa kanyang kaliwa. At sinabi ng PANGINOON, 'Sinong aakit kay Ahab na hari ng Israel, upang siya'y umahon at mabuwal sa Ramot-gilead?' At ang isa'y nagsalita ng isang bagay at ang iba'y nagsalita ng iba. Dumating ang isang espiritu at tumayo sa harapan ng PANGINOON, na nagsasabi, 'Aakitin ko siya.' At sinabi ng PANGINOON sa kanya, 'Sa anong paraan?' At kanyang sinabi, 'Ako'y hahayo at magiging isang sinungaling na espiritu sa bibig ng lahat niyang mga propeta.' At kanyang sinabi, 'Aakitin mo siya, at magtatagumpay ka; humayo ka at gayon ang gawin mo!' Kaya't ngayon, ang PANGINOON ay naglagay ng sinungaling na espiritu sa bibig ng mga propeta mong ito; ang PANGINOON ay nagsalita ng kasamaan tungkol sa iyo." Si Zedekias na anak ni Canaana ay lumapit at sinampal si Micaya, at sinabi, "Saan dumaan ang Espiritu ng PANGINOON mula sa akin upang magsalita sa iyo?" At sinabi ni Micaya, "Makikita mo sa araw na iyon kapag ikaw ay pumasok sa pinakaloob na silid upang magtago." Sinabi ng hari ng Israel, "Hulihin si Micaya, at ibalik siya kay Amon na tagapamahala ng lunsod at kay Joas na anak ng hari; at sabihin ninyo, 'Ganito ang sabi ng hari, Ilagay ang taong ito sa bilangguan, at pakainin siya ng kaunting tinapay at tubig hanggang sa ako'y bumalik nang payapa.'" At sinabi ni Micaya, "Kung ikaw ay makabalik nang payapa, ang PANGINOON ay hindi nagsalita sa pamamagitan ko." At kanyang sinabi, "Makinig kayong lahat, kayong mga taong-bayan!" Kaya't ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda ay pumunta sa Ramot-gilead. At sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, "Ako'y magbabalatkayo at pupunta sa labanan, ngunit ikaw ay magsuot ng iyong balabal." At ang hari ng Israel ay nagbalatkayo; at sila'y pumunta sa labanan. Samantala, ang hari ng Siria ay nag-utos sa mga punong kawal ng kanyang mga karwahe, na sinasabi, "Huwag kayong makipaglaban sa maliit o sa malaki man, kundi sa hari ng Israel lamang." Nang makita ng mga punong kawal ng mga karwahe si Jehoshafat, kanilang sinabi, "Iyon ang hari ng Israel." Kaya't sila'y pumihit upang lumaban sa kanya; at si Jehoshafat ay sumigaw at tinulungan siya ng PANGINOON. Inilayo sila ng Diyos sa kanya; sapagkat nang makita ng mga punong kawal ng mga karwahe na hindi iyon ang hari ng Israel, sila'y tumigil sa paghabolsa kanya. Subalit isang lalaki ang nagpahilagpos ng kanyang pana at hindi sinasadyang tinamaan ang hari ng Israel sa pagitan ng mga dugtungan ng baluti, kaya't sinabi niya sa nagpapatakbo ng kanyang karwahe, "Ipihit mo at ilayo mo ako sa labanan, sapagkat ako'y nasugatan." Ang labanan ay naging mainit ng araw na iyon; at ang hari ng Israel ay nanatili sa kanyang karwahe paharap sa mga taga-Siria hanggang sa kinahapunan, at sa paglubog ng araw ay namatay siya. Si Jehoshafat na hari ng Juda ay ligtas na umuwi sa kanyang bahay sa Jerusalem. Subalit si Jehu na anak ni Hanani na propeta ay lumabas upang salubungin siya, at sinabi kay Haring Jehoshafat, "Dapat mo bang tulungan ang masasama at mahalin ang mga napopoot sa PANGINOON? Dahil dito, ang poot ay lumabas laban sa iyo mula sa harapan ng PANGINOON. Gayunman, may ilang kabutihang natagpuan sa iyo, sapagkat winasak mo ang mga sagradong poste sa lupain, at inilagak mo ang iyong puso upang hanapin ang Diyos." Si Jehoshafat ay nanirahan sa Jerusalem; at siya'y muling lumabas sa bayan, mula sa Beer-seba hanggang sa lupaing maburol ng Efraim, at kanyang ibinalik sila sa PANGINOON, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Siya'y humirang ng mga hukom sa lupain sa lahat ng lunsod na may kuta sa Juda, sa bawat lunsod, at sinabi sa mga hukom, "Isaalang-alang ninyo kung ano ang inyong ginagawa, sapagkat kayo'y humahatol hindi para sa tao, kundi para sa PANGINOON; siya'y kasama ninyo sa pagbibigay ng hatol. Ngayon, sumainyo nawa ang takot sa PANGINOON. Mag-ingat kayo sa inyong ginagawa, sapagkat walang pagpilipit ng katarungan sa PANGINOON nating Diyos, o pagtatangi o pagtanggap man ng mga suhol." Bukod dito'y naglagay si Jehoshafat sa Jerusalem ng ilang mga Levita, mga pari, at mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng Israel upang humatol para sa PANGINOON at upang pagpasiyahan ang mga alitan. Ang kanilang mga luklukan ay nasa Jerusalem. At kanyang tinagubilinan sila, "Ganito ang inyong gagawin sa takot sa PANGINOON, sa katapatan at sa inyong buong puso: tuwing may usaping dumating sa inyo mula sa inyong mga kapatid na naninirahan sa kanilang mga lunsod, tungkol sapagdanak ng dugo, sa kautusan o batas, mga tuntunin o mga kahatulan; ay inyong tuturuan sila, upang sila'y huwag magkasala sa harap ng PANGINOON, at ang poot ay huwag dumating sa inyo at sa inyong mga kapatid. Gayon ang inyong gagawin, at kayo'y hindi magkakasala. Si Amarias na punong pari ay mamumuno sa inyo sa lahat ng bagay ng PANGINOON; at si Zebadias na anak ni Ismael, na tagapamahala sa sambahayan ng Juda, sa lahat ng mga bagay ng hari, at ang mga Levita ay maglilingkod sa inyo bilang mga pinuno. Gumawa kayong may katapangan at ang PANGINOON nawa'y makasama ng matuwid!" Pagkatapos nito, ang mga Moabita at mga Ammonita, at pati ang ilan sa mga Meunita ay dumating laban kay Jehoshafat upang makipaglaban. Ilang katao ang dumating at nagsabi kay Jehoshafat, "Napakaraming tao ang dumarating laban sa iyo mula sa Edom, mula sa kabila ng dagat; sila'y naroon na sa Hazazon-tamar" (na siya ring En-gedi). Si Jehoshafat ay natakot, at nagpasiyang hanapin ang PANGINOON, at nagpahayag ng pag-aayuno sa buong Juda. Kaya't ang Juda'y nagtipun-tipon upang humingi ng tulong sa PANGINOON; mula sa lahat ng bayan ng Juda ay dumating sila upang hanapin ang PANGINOON. Si Jehoshafat ay tumayo sa kapulungan ng Juda at Jerusalem, sa bahay ng PANGINOON, sa harapan ng bagong bulwagan, at kanyang sinabi, "O PANGINOON, Diyos ng aming mga ninuno, di ba ikaw ay Diyos sa langit? Di ba ikaw ay namumuno sa lahat ng kaharian ng mga bansa? Sa iyong kamay ay kapangyarihan at lakas, anupa't walang makakaharap sa iyo. Hindi ba't ikaw, O aming Diyos, ang nagpalayas sa mga naninirahan sa lupaing ito sa harapan ng iyong bayang Israel, at iyong ibinigay sa binhi ni Abraham na iyong kaibigan magpakailanman? Sila'y nanirahan doon at ipinagtayo ka ng santuwaryo para sa iyong pangalan, na sinasabi, 'Kung ang kasamaan ay dumating sa amin, ang tabak, kahatulan, salot, o taggutom, kami ay tatayo sa harapan ng bahay na ito at sa iyong harapan, sapagkat ang iyong pangalan ay nasa bahay na ito; at kami ay dadaing sa iyo sa aming kahirapan, at ikaw ay makikinig at maliligtas?' Tingnan mo ngayon, ang mga tao mula sa Ammon at Moab, at sa Bundok ng Seir, na hindi mo ipinalusob sa Israel nang sila'y lumabas sa lupain ng Ehipto, kundi kanilang iniwasan at hindi nila pinuksa — kanilang ginagantihan kami sa pamamagitan ng pagparito upang palayasin kami sa pag-aari na ibinigay mo sa amin upang manahin. O Diyos namin, hindi mo ba sila hahatulan? Sapagkat kami ay walang magagawa laban sa napakaraming taong ito na dumarating laban sa amin. Hindi namin alam kung ano ang gagawin, ngunit ang aming mga mata ay nakatuon sa iyo." Samantala, ang buong Juda ay nakatayo sa harapan ng PANGINOON, kasama ang kanilang mga bata, kanilang mga asawa, at ang kanilang mga anak. Ang Espiritu ng PANGINOON ay dumating kay Jahaziel na anak ni Zacarias, na anak ni Benaya, na anak ni Jeiel, na anak ni Matanias, isang Levita sa mga anak ni Asaf, sa gitna ng kapulungan. At kanyang sinabi, "Makinig kayo, buong Juda at mga mamamayan ng Jerusalem, at Haring Jehoshafat: Ganito ang sabi ng PANGINOON sa inyo, 'Huwag kayong matakot, at huwag kayong panghinaan ng loob sa napakaraming taong ito, sapagkat ang pakikipaglaban ay hindi sa inyo, kundi sa Diyos. Bukas ay harapin ninyo sila. Sila'y aahon sa ahunan ng Sis; inyong matatagpuan sila sa dulo ng libis, sa silangan ng ilang ng Jeruel. Hindi ninyo kailangang lumaban sa digmaang ito. Manatili kayo sa inyong puwesto, tumayo kayong panatag, at tingnan ninyo ang pagtatagumpay ng PANGINOON alang-alang sa inyo, O Juda at Jerusalem.' Huwag kayong matakot o panghinaan ng loob; bukas ay harapin ninyo sila sapagkat ang PANGINOON ay sasama sa inyo." Pagkatapos ay itinungo ni Jehoshafat ang kanyang ulo sa lupa, at ang buong Juda at ang mga mamamayan ng Jerusalem ay nagpatirapa sa PANGINOON, na sumasamba sa PANGINOON. At ang mga Levita, sa mga anak ng mga Kohatita at sa mga anak ng mga Korahita ay tumayo upang purihin ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel, nang napakalakas na tinig. Kinaumagahan, sila'y maagang bumangon at lumabas sa ilang ng Tekoa. Habang sila'y lumalabas, si Jehoshafat ay tumayo at nagsabi, "Pakinggan ninyo ako, O Juda at mga mamamayan ng Jerusalem! Manalig kayo sa PANGINOON ninyong Diyos, at kayo'y magiging matatag. Maniwala kayo sa kanyang mga propeta, at kayo'y magtatagumpay." Pagkatapos niyang sumangguni sa mga tao, kanyang hinirang ang mga aawit sa PANGINOON at magpupuri sa kanya sa banal na kaayusan, habang sila'y nangunguna sa hukbo at nagsasabi, "Magpasalamat kayo sa PANGINOON; sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman." Nang sila'y magpasimulang umawit at magpuri, ang PANGINOON ay naglagay ng pagtambang laban sa mga taga-Ammon, Moab, at Bundok ng Seir na dumating laban sa Juda kaya't sila'y nagapi. Sapagkat sinalakay ng mga anak ni Ammon at ni Moab ang mga mamamayan ng Bundok ng Seir, at lubos silang pinuksa. Pagkatapos nilang patayin ang mga mamamayan ng Bundok ng Seir, silang lahat ay tumulong upang puksain ang isa't isa. Nang ang Juda ay dumating sa bantayang tore sa ilang, sila'y tumingin sa dako ng napakaraming tao, sila'y mga bangkay na nakabuwal sa lupa at walang nakatakas. Nang si Jehoshafat at ang kanyang mga tauhan ay pumaroon upang kunin ang samsam sa kanila, nakatagpo sila ng napakaraming baka, mga ari-arian, mga damit, at mahahalagang bagay na kanilang kinuha para sa kanilang sarili hanggang sa hindi na nila kayang dalhin. Tatlong araw nilang hinakot ang samsam na talagang napakarami. Nang ikaapat na araw, sila'y nagtipun-tipon sa Libis ng Beraca; sapagkat doo'y pinuri nila ang PANGINOON. Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na libis ng Beraca hanggang sa araw na ito. Pagkatapos sila'y bumalik, bawat lalaki ng Juda at Jerusalem, at si Jehoshafat sa unahan nila, pabalik sa Jerusalem na may kagalakan; sapagkat sila'y pinapagkatuwa ng PANGINOON sa kanilang mga kaaway. Sila'y dumating sa Jerusalem na may mga salterio, alpa, at mga trumpeta patungo sa bahay ng PANGINOON. At ang takot sa Diyos ay dumating sa lahat ng mga kaharian ng mga bansa nang kanilang mabalitaang ang PANGINOON ay nakipaglaban sa mga kaaway ng Israel. Kaya't ang kaharian ni Jehoshafat ay naging tahimik, sapagkat binigyan siya ng kanyang Diyos ng kapahingahan sa palibot. Gayon naghari si Jehoshafat sa Juda. Siya'y tatlumpu't limang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng dalawampu't limang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Azuba na anak ni Silhi. Siya'y lumakad sa landas ni Asa na kanyang ama at hindi siya lumihis doon. Ginawa niya ang matuwid sa paningin ng PANGINOON. Gayunman, ang matataas na dako ay hindi inalis; hindi pa nailalagak ng bayan ang kanilang puso sa Diyos ng kamlang mga ninuno. Ang iba pa sa mga gawa ni Jehoshafat, mula una hanggang katapusan, ay nakasulat sa kasaysayan ni Jehu na anak ni Hanani, na nakatala sa Aklat ng mga Hari ng Israel. Pagkatapos nito si Jehoshafat na hari ng Juda ay nakiisa kay Ahazias na hari ng Israel na siyang gumawa ng masama. Siya'y nakisama sa kanya sa paggawa ng mga sasakyang-dagat upang magtungo sa Tarsis, at kanilang ginawa ang mga sasakyang-dagat sa Ezion-geber. At si Eliezer na anak ni Doda-vahu na taga-Maresha ay nagsalita ng propesiya laban kay Jehoshafat, na sinasabi, "Sapagkat ikaw ay nakiisa kay Ahazias, wawasakin ng PANGINOON ang iyong mga ginawa." At ang mga sasakyang-dagat ay nawasak at sila'y hindi nakapunta sa Tarsis. Si Jehoshafat ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David. Si Jehoram na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. Siya'y mayroong mga kapatid na lalaki, mga anak ni Jehoshafat: sina Azarias, Jeiel, Zacarias, Azarias, Micael, at Shefatias; lahat ng mga ito ay mga anak ni Jehoshafat na hari ng Israel.' Binigyan sila ng kanilang ama ng maraming kaloob na pilak, ginto, at mahahalagang ari-arian, pati ng mga lunsod na may kuta sa Juda; ngunit ang kaharian ay ibinigay niya kay Jehoram, sapagkat siya ang panganay. Nang si Jehoram ay makaakyat sa kaharian ng kanyang ama at naging matatag, kanyang pinatay sa pamamagitan ng tabak ang lahat niyang mga kapatid, gayundin ang ilan sa mga pinuno ng Israel. Si Jehoram ay tatlumpu't dalawang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng walong taon sa Jerusalem. At siya'y lumakad sa landas ng mga hari ng Israel, gaya ng ginawa ng sambahayan ni Ahab, sapagkat asawa niya ang anak na babae ni Ahab. At siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng PANGINOON. Gayunma'y ayaw lipulin ng PANGINOON ang sambahayan ni David, dahil sa tipan na kanyang ginawa kay David, at palibhasa'y kanyang ipinangako na bibigyan siya ng ilawan at ang kanyang mga anak magpakailanman. Sa kanyang mga araw ay naghimagsik ang Edom mula sa kapangyarihan ng Juda, at naglagay sila ng sarili nilang hari. Nang magkagayo'y dumaan si Jehoram na kasama ang kanyang mga punong kawal at lahat niyang mga karwahe at siya'y bumangon nang kinagabihan at pinatay ang mga Edomita na pumalibot sa kanya at sa mga punong kawal ng mga karwahe. Kaya't naghimagsik ang Edom mula sa kapangyarihan ng Juda hanggang sa araw na ito. Nang panahon ding iyon ay naghimagsik ang libna mula sa kanyang pamumuno, sapagkat kanyang tinalikuran ang PANGINOON, ang Diyos ng kanyang mga ninuno. Bukod dito'y gumawa siya ng matataas na dako sa maburol na lupain ng Juda, at inakay ang mga mamamayan ng Jerusalem sa kataksilan at iniligaw ang Juda. May isang liham na dumating sa kanya mula kay Elias na propeta, na sinasabi, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, ang Diyos ni David na iyong ama, 'Sapagkat hindi ka lumakad sa mga landas ni Jehoshafat na iyong ama, o sa mga landas ni Asa na hari ng Juda; kundi lumakad sa mga landas ng mga hari ng Israel, at iyong inakay ang Juda at ang mga mamamayan ng Jerusalem sa kataksilan, kung paanong inakay ng sambahayan ni Ahab ang Israel sa kataksilan, at pinatay mo rin ang iyong mga kapatid sa sambahayan ng iyong ama, na higit na mabuti kaysa iyo; ang PANGINOON ay magdadala ng napakalaking salot sa iyong bayan, sa iyong mga anak, mga asawa, at sa lahat ng iyong pag-aari. Ikaw mismo ay magkakaroon ng malubhang sakit sa bituka, hanggang sa lumuwa ang iyong bituka araw-araw dahil sa sakit.'" Pinag-alab ng PANGINOON laban kay Jehoram ang galit ng mga Filisteo at ng mga taga-Arabia na malapit sa mgataga-Etiopia. Sila'y dumating laban sa Juda at sinalakay ito, at dinala ang lahat ng pag-aari na natagpuan sa bahay ng hari, pati ang mga anak niya at kanyang mga asawa. Kaya't walang naiwang anak sa kanya, maliban kay Jehoahaz na bunso niyang anak. Pagkatapos ng lahat ng ito, sinaktan siya ng PANGINOON sa kanyang bituka ng sakit na walang lunas. Sa paglakad ng panahon, sa katapusan ng dalawang taon, ang kanyang bituka ay lumabas dahil sa kanyang sakit, at siya'y namatay sa matinding paghihirap. Ang kanyang mamamayan ay hindi gumawa ng apoy para sa kanyang karangalan, gaya ng apoy na ginawa para sa kanyang mga ninuno. Siya'y tatlumpu't dalawang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari sa Jerusalem sa loob ng walong taon. Siya'y namatay na walang nalungkot. Kanilang inilibing siya sa lunsod ni David, ngunit hindi sa mga libingan ng mga hari. Ginawang hari ng mga mamamayan ng Jerusalem si Ahazias na kanyang bunsong anak bilang hari na kapalit niya, sapagkat pinatay ng pulutong ng mga lalaking dumating na kasama ng mga taga-Arabia ang lahat ng nakatatandang anak na lalaki. Kaya't si Ahazias na anak ni Jehoram na hari ng Juda ay naghari. Si Ahazias ay apatnapu't dalawang taong gulang nang nagsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Atalia na anak ni Omri. Lumakad rin siya sa mga landas ng sambahayan ni Ahab, sapagkat ang kanyang ina ang kanyang tagapayo sa paggawa ng kasamaan. Kanyang ginawa ang masama sa paningin ng PANGINOON, gaya ng ginawa ng sambahayan ni Ahab; sapagkat pagkamatay ng kanyang ama sila ang kanyang mga tagapayo, na kanyang ikinapahamak. Sumunod din siya sa kanilang payo, at sumama kay Jehoram na anak ni Ahab na hari ng Israel upang makidigma kay Hazael na hari ng Siria sa Ramot-gilead. At sinugatan ng mga taga-Siria si Joram. At siya'y bumalik upang magpagaling sa Jezreel sa mga sugat na tinamo niya sa Rama, nang siya'y makipaglaban kay Hazael na hari ng Siria. At si Azarias na anak ni Jehoram na hari ng Juda ay lumusong upang tingnan si Joram na anak ni Ahab sa Jezreel, sapagkat siya'y may sakit. Ngunit itinalaga na ng Diyos na ang pagbagsak ni Ahazias ay darating sa kanyang pagdalaw kay Joram. Sapagkat nang siya'y dumating doon, siya'y lumabas na kasama ni Jehoram upang salubungin si Jehu na anak ni Nimsi, na siyang binuhusan ng langis ng PANGINOON upang wasakin ang sambahayan ni Ahab. Nang si Jehu ay maglalapat ng kahatulan sa sambahayan ni Ahab, kanyang nakaharap ang mga pinuno ng Juda at ang mga anak ng mga kapatid ni Ahazias, na naglilingkod kay Ahazias, at kanyang pinatay sila. Hinanap niya si Ahazias, na nahuli habang nagtatago sa Samaria, at dinala kay Jehu at siya'y pinatay. Kanilang inilibing siya, sapagkat kanilang sinabi, "Siya'y apo" ni Jehoshafat na humanap sa PANGINOON nang buo niyang puso." At ang sambahayan ni Ahazias ay wala ni isa mang may kakayahang mamuno sa kaharian. Nang makita ni Atalia na ina ni Ahazias na ang kanyang anak ay patay na, siya'y humanda upang patayin ang lahat ng angkan ng hari mula sa sambahayan ni Juda. Ngunit kinuha ni Josabet, na anak na babae ng hari, si Joas na anak ni Ahazias, at ipinuslit siya mula sa mga anak ng hari na malapit nang patayin, at kanyang inilagay siya at ang kanyang yaya sa isang silid-tulugan. Gayon siya ikinubli ni Josabeth, na anak ni Haring Jehoram, at asawa ng paring si Jehoiada, (sapagkat siya'y kapatid ni Ahazias) kay Atalia, kaya't siya'y hindi niya napatay. At siya'y nanatiling kasama nila sa loob ng anim na taon, na nakatago sa bahay ng Diyos, habang si Atalia ay naghahari sa lupain. Ngunit sa ikapitong taon ay lumakas ang loob ni Jehoiada, at nakipagtipan siya sa mga punong kawal ng daan-daan, kina Azarias na anak ni Jeroham, Ismael na anak ni Jehohanan, Azarias na anak ni Obed, Maasias na anak ni Adaya, at kay Elisafat na anak ni Zicri. Kanilang nilibot ang Juda at tinipon ang mga Levita mula sa lahat ng bayan ng Juda, at ang mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng Israel, at sila'y dumating sa Jerusalem. Ang buong kapulungan ay nakipagtipan sa hari sa bahay ng Diyos. At sinabi ni Jehoiada sa kanila, "Narito, ang anak ng hari! Hayaan siyang maghari gaya nang sinabi ng PANGINOON tungkol sa mga anak ni David. Ito ang bagay na inyong gagawin: sa inyong mga pari at mga Levita na magtatapos ang paglilingkod sa Sabbath, ikatlong bahagi sa inyo ang magiging mga bantay-pinto. Ang ikatlong bahagi ay sa bahay ng hari, at ang ikatlong bahagi ay sa Pintuan ng Saligan; at ang buong bayan ay sa mga bulwagan ng bahay ng PANGINOON. Walang papapasukin sa bahay ng PANGINOON maliban sa mga pari at mga naglilingkod na Levita. Sila'y maaaring pumasok, sapagkat sila'y banal, ngunit ang buong bayan ay susunod sa tagubilin ng PANGINOON. Palilibutan ng mga Levita ang hari, bawat isa'y may sandata sa kanyang kamay; at sinumang pumasok sa bahay ay papatayin. Samahan ninyo ang hari sa kanyang pagpasok at sa kanyang paglabas." Ginawa ng mga Levita at ng buong Juda ang ayon sa lahat ng iniutos ng paring si Jehoiada. Bawat isa'y nagdala ng kanyang mga tauhan, ang mga matatapos ang paglilingkod sa Sabbath, kasama ng mga magsisimulang maglingkod sa Sabbath, sapagkat hindi pinauwi ng paring si Jehoiada ang mga pangkat. Ibinigay ng paring si Jehoiada sa mga pinunong kawal ang mga sibat, at ang malalaki at maliliit na mga kalasag na dating kay Haring David, na nasa bahay ng Diyos. Kanyang inilagay ang buong bayan bilang bantay para sa hari, bawat tao'y may sandata sa kanyang kamay, mula sa gawing timog ng bahay hanggang sa gawing hilaga ng bahay, sa palibot ng dambana at ng bahay. Pagkatapos ay kanyang inilabas ang anak ng hari, at ipinutong nila ang korona sa kanya, at ibinigay sa kanya ang patotoo, at ipinahayag siyang hari. Binuhusan siya ng langis ni Jehoiada at ng kanyang mga anak, at kanilang sinabi, "Mabuhay ang hari." Nang marinig ni Atalia ang ingay ng taong-bayan na nagtatakbuhan at nagpupuri sa hari, siya'y lumabas patungo sa mga tao sa loob ng bahay ng PANGINOON. Nang siya'y tumingin, naroon ang hari na nakatayo sa tabi ng kanyang haligi sa pasukan, at ang mga punong kawal at ang mga manunugtog ng trumpeta ay nasa tabi ng hari. Ang lahat ng mga taong-bayan ng lupain ay nagagalak at humihihip ng mga trumpeta, ang mga mang-aawit dala ang kanilang panugtog na nangunguna sa pagdiriwang. Kaya't pinunit ni Atalia ang kanyang damit, at sumigaw: "Kataksilan! Kataksilan!" Kaya't inilabas ng paring si Jehoiada ang mga pinunong kawal na inilagay sa hukbo, at sinabi sa kanila, "Palabasin ninyo siya sa pagitan ng mga hanay; sinumang sumunod sa kanya ay papatayin ng tabak." Sapagkat sinabi ng pari, "Huwag ninyo siyang patayin sa loob ng bahay ng PANGINOON." Kaya't kanilang binigyang-daan siya at siya'y pumasok sa pintuan ng kabayo sa bahay ng hari, at sila'y kanilang pinatay roon. Si Jehoiada ay gumawa ng tipan sa pagitan niya, ng buong bayan at ng hari na sila'y magiging bayan ng PANGINOON. At ang buong bayan ay pumaroon sa bahay ni Baal at giniba ito. Pinagputul-putol nila ang kanyang mga dambana at ang kanyang mga larawan, at pinatay nila si Mattan na pari ni Baal sa harapan ng mga dambana. Naglagay si Jehoiada ng mga bantay para sa bahay ng PANGINOON sa pangangasiwa ng mga Levitang pari at ng mga Levitang binuo ni David upang mangasiwa sa bahay ng PANGINOON, upang mag-alay ng mga handog na sinusunog sa PANGINOON, gaya ng nasusulat sa kautusan ni Moises, na may kagalakan at pag-aawitan, ayon sa utos ni David. Kanyang inilagay ang mga bantay-pinto sa mga pintuan ng bahay ng PANGINOON, upang huwag pumasok ang sinuman na sa anumang paraan ay marumi. Kanyang isinama ang mga pinunong kawal, ang mga maharlika, ang mga tagapamahala ng bayan, at ang mga taong-bayan ng lupain, at ibinaba nila ang hari mula sa bahay ng PANGINOON, at dumaan sa pinakamataas na pintuan patungo sa bahay ng hari. Iniluklok nila ang hari sa trono ng kaharian. Kaya't ang mga taong-bayan ng lupain ay nagalak, at ang lunsod ay natahimik, pagkatapos na si Atalia ay mapatay ng tabak. Si Joas ay pitong taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng apatnapung taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Sibia na taga Beer-seba. At gumawa si Joas ng matuwid sa paningin ng PANGINOON sa lahat ng mga araw ng paring si Jehoiada. Si Jehoiada ay kumuha para sa kanya ng dalawang asawang babae, at siya'y nagkaroon ng mga anak na lalaki at mga babae. Pagkatapos nito, ipinasiya ni Joas na kumpunihin ang bahay ng PANGINOON. At kanyang tinipon ang mga pari at ang mga Levita, at sinabi sa kanila, "Pumunta kayo sa mga lunsod ng Juda, at lumikom kayo mula sa buong Israel ng salapi upang kumpunihin ang bahay ng inyong Diyos taun-taon, at sikapin ninyo na mapabilis ang bagay na ito." Subalit hindi ito minadali ng mga Levita. Kaya't ipinatawag ng hari si Jehoiada na pinuno, at sinabi sa kanya, "Bakit hindi mo inatasan ang mga Levita na dalhin mula sa Juda at Jerusalem ang buwis na iniatang ni Moises, na lingkod ng PANGINOON, sa kapulungan ng Israel para sa tolda ng patotoo?" Sapagkat pinasok ng mga anak ni Atalia, ang masamang babaing iyon, ang bahay ng Diyos, at ginamit din nila ang lahat ng mga itinalagang bagay sa bahay ng PANGINOON para sa mga Baal. Kaya't nag-utos ang hari, at sila'y gumawa ng isang kaban, at inilagay ito sa labas ng pintuan ng bahay ng PANGINOON. Isang pahayag ang ginawa sa buong Juda at Jerusalem na dalhin para sa PANGINOON ang buwis na iniatang ni Moises, na tao ng Diyos sa Israel sa ilang. Lahat ng mga pinuno at ang buong bayan ay nagalak at dinala ang kanilang buwis at inihulog ito sa kaban, hanggang sa sila'y makatapos. Tuwing dadalhin ng mga Levita ang kaban sa mga pinuno ng hari, kapag kanilang nakita na maraming salapi sa loob nito, ang kalihim ng hari at ang pinuno ng punong pari ay darating at aalisan ng laman ang kaban at kukunin at ibabalik ito sa kanyang kinaroroonan. Ganito ang kanilang ginagawa araw-araw, at nakalikom sila ng maraming salapi. Ito ay ibinigay ng hari at ni Jehoiada sa nangangasiwa ng gawain sa bahay ng PANGINOON. Sila'y umupa ng mga kantero at mga karpintero upang kumpunihin ang bahay ng PANGINOON, gayundin ng mga manggagawa sa bakal at tanso upang kumpunihin ang bahay ng PANGINOON. Kaya't nagtrabaho ang mga kasali sa paggawa at ang pagkukumpuni ay nagpatuloy sa kanilang mga kamay, at kanilang ibinalik ang bahay ng Diyos sa kanyang nararapat na kalagayan at pinatibay ito. Nang kanilang matapos, kanilang dinala ang nalabing salapi sa harapan ng hari at ni Jehoiada, at sa pamamagitan nito ay gumawa ng mga sisidlan para sa bahay ng PANGINOON, maging para sa paglilingkod at para sa mga handog na sinusunog, ng mga sandok para sa kamanyang, at mga sisidlang ginto at pilak. At sila'y patuloy na nag-alay ng mga handog na sinusunog sa bahay ng PANGINOON sa lahat ng mga araw ni Jehoiada. Ngunit si Jehoiada ay tumanda at napuspos ng mga araw at siya'y namatay. Siya'y isandaan at tatlumpung taon nang siya'y mamatay. Kanilang inilibing siya sa lunsod ni David kasama ng mga hari, sapagkat siya'y gumawa ng mabuti sa Israel, sa Diyos at sa kanyang sambahayan. Pagkamatay ni Jehoiada, dumating ang mga pinuno ng Juda at nagbigay-galang sa hari, at nakinig sa kanila ang hari. Kanilang pinabayaan ang bahay ng PANGINOON, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, at naglingkod sa mga sagradong poste at sa mga diyus-diyosan. At ang poot ay dumating sa Juda at Jerusalem dahil sa pagkakasala nilang ito. Gayunma'y nagsugo siya ng mga propeta sa kanila upang ibalik sila sa PANGINOON; ang mga ito'y sumaksi laban sa kanila ngunit ayaw nilang makinig. At nilukuban ng Espiritu ng Diyos si Zacarias na anak ng paring si Jehoiada; at siya'y tumayo sa itaas ng bayan, at sinabi sa kanila, "Ganito ang sabi ng Diyos, 'Bakit kayo'y lumalabag sa mga utos ng PANGINOON, kaya't kayo'y hindi maaaring umunlad? Sapagkat inyong pinabayaan ang PANGINOON, pinabayaan din niya kayo.'" Ngunit sila'y nagsabwatan laban sa kanya, at sa utos ng hari ay pinagbabato siya sa bulwagan ng bahay ng PANGINOON. Sa ganito ay hindi naalala ng haring si Joas ang kagandahang-loob na ipinakita sa kanya ni Jehoiada na ama ni Zacarias, sa halip ay pinatay ang kanyang anak. Nang siya'y naghihingalo, kanyang sinabi, "Nawa'y tumingin at maghiganti ang PANGINOON!" Sa pagtatapos ng taon, ang hukbo ng mga taga-Siria ay dumating laban kay Joas. Sila'y dumating sa Juda at Jerusalem at nilipol ang lahat ng mga pinuno ng bayan na kasama nila, at ipinadala ang lahat ng kanilang samsam sa hari ng Damasco. Bagaman ang hukbo ng mga taga-Siria ay dumating na may iilang tauhan, ibinigay ng PANGINOON ang isang napakalaking hukbo sa kanilang kamay, sapagkat kanilang tinalikuran ang PANGINOON, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Sa gayo'y ginawaran nila ng hatol si Joas. Nang sila'y umalis, na iniwan siyang lubhang sugatan, ang kanyang mga lingkod ay nagsabwatan laban sa kanya dahil sa dugo ng mga anak ni Jehoiada na pari, at pinatay siya sa kanyang higaan. Gayon siya namatay at kanilang inilibing siya sa lunsod ni David, ngunit siya'y hindi nila inilibing sa mga libingan ng mga hari. Ang mga nagsabwatan laban sa kanya ay sina Zabad na anak ni Shimeat na babaing Ammonita, si Jehozabad na anak ni Simrit na babaing Moabita. Ang tungkol sa kanyang mga anak, at ang maraming mga pahayag laban sa kanya, at ang muling pagtatayo ng bahay ng Diyos ay nakasulat sa Kasaysayan ng Aldat ng mga Hari. At si Amasias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. Si Amasias ay dalawampu't limang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari ng dalawampu't siyam na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jehoadan na taga-Jerusalem. At kanyang ginawa ang matuwid sa mga mata ng PANGINOON, ngunit hindi taos sa puso. Nang ang kapangyarihang maghari ay matatag na sa kanyang kamay, kanyang pinatay ang kanyang mga lingkod na pumatay sa kanyang amang hari. Ngunit hindi niya pinatay ang kanilang mga anak, ayon sa nakasulat sa kautusan sa aklat ni Moises, na doo'y iniutos ng PANGINOON, 'Ang mga ninuno ay hindi papatayin ng dahil sa mga anak, ni ang mga anak man ay papatayin ng dahil sa mga ninuno; kundi bawat tao ay mamamatay dahil sa kanyang sariling kasalanan." Pagkatapos ay tinipon ni Amasias ang mga lalaki ng Juda, at inayos sila ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno sa ilalim ng mga punong kawal ng libu-libo at ng daan-daan para sa buong Juda at Benjamin. Kanyang binilang ang mga mula sa dalawampung taong gulang pataas at natagpuang sila ay tatlong daang libong piling lalaki, nababagay sa pakikidigma at may kakayahang humawak ng sibat at kalasag. Siya'y umupa rin ng isandaang libong matatapang na mandirigma mula sa Israel sa halagang isandaang talentong pilak. Ngunit dumating sa kanya ang isang tao ng Diyos, na nagsasabi, "O hari, huwag mong pasamahin sa iyo ang hukbo ng Israel; sapagkat ang PANGINOON ay hindi kasama ng Israel, pati ng lahat ng mga anak ni Efraim na ito. Ngunit kung iyong inaakalang sa paraang ito ay magiging malakas ka sa digmaan, ibubuwal ka ng Diyos sa harapan ng iyong mga kaaway, sapagkat ang Diyos ay may kapangyarihang tumulong at magbuwal." At sinabi ni Amasias sa tao ng Diyos, "Ngunit anong aming gagawin sa isandaang talento na aking ibinigay sa hukbo ng Israel?" At ang tao ng Diyos ay sumagot, "Ang PANGINOON ay makapagbibigay sa iyo nang higit kaysa rito." Nang magkagayo'y pinaalis ni Amasias ang hukbo na dumating sa kanya mula sa Efraim, upang muling umuwi. At sila'y nagalit nang matindi sa Juda, at umuwing may malaking galit. Ngunit si Amasias ay nagpakatapang at pinangunahan ang kanyang mga tauhan, at pumunta sa Libis ng Asin at pinatay ang sampung libong mga taga-Seir. Ang mga lalaki ng Juda ay nakabihag ng sampung libong buhay at dinala sila sa tuktok ng isang malaking bato at inihulog sila mula sa tuktok ng bato, at silang lahat ay nagkaluray-luray. Ngunit ang mga tauhan ng hukbo na pinabalik ni Amasias, upang sila'y huwag nang sumama sa kanya sa pakikipaglaban ay sumalakay sa mga bayan ng Juda, mula sa Samaria hanggang sa Bet-horon, at pumatay sa kanila ng tatlong libo, at kumuha ng maraming samsam. Pagkatapos na si Amasias ay manggaling mula sa pagpatay sa mga Edomita, kanyang dinala ang mga diyos ng mga anak ni Seir, at inilagay ang mga iyon upang maging kanyang mga diyos, at sinamba ang mga iyon at naghandog sa kanila. Kaya't ang PANGINOON ay nagalit kay Amasias at nagsugo sa kanya ng isang propeta, na nagsabi sa kanya, "Bakit bumaling ka sa mga diyos ng isang bayan na hindi nakapagligtas ng kanilang sariling bayan mula sa iyong kamay?" Ngunit habang siya'y nagsasalita ay sinabi sa kanya ng hari, "Ginawa ka ba naming tagapayo ng hari? Tumigil ka, bakit kailangang patayin ka pa?" Kaya't tumigil ang propeta, ngunit nagsabi, "Nalalaman ko na ipinasiya ng Diyos na puksain ka, sapagkat ginawa mo ito at hindi mo pinakinggan ang aking payo." Pagkatapos ay huminging payo si Amasias na hari sa Juda, at nagsugo kay Joas na anak ni Jehoahaz na anak ni Jehu, na hari ng Israel, na nagsasabi, "Halika, tayo'y magharap." At si Joas na hari ng Israel ay nagpasabi kay Amasias na hari ng Juda, "Ang isang dawag sa Lebanon ay nagsugo sa isang sedro sa Lebanon, na nagsasabi, 'Ibigay mo ang iyong anak na babae para mapangasawa ng aking anak;' at dumaan ang isang mabangis na hayop ng Lebanon, at tinapakan ang dawag. Sinasabi mo, "Tingnan mo, nagapi ko ang Edom,' at itinaas ka ng iyong puso sa kayabangan. Ngunit ngayon ay manatili ka sa bahay; bakit ka lilikha ng kaguluhan na iyong ikabubuwal, ikaw at ang Juda na kasama mo?" Ngunit ayaw makinig ni Amasias, sapagkat iyon ay mula sa Diyos, upang kanyang maibigay sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, sapagkat sinunod nila ang mga diyos ng Edom. Kaya't umahon si Joas na hari ng Israel; at siya at si Amasias na hari ng Juda ay nagtuos sa Bet-shemes na sakop ng Juda. At ang Juda ay natalo ng Israel, at bawat isa'y tumakas pauwi sa kanyang tahanan. Binihag ni Joas na hari ng Israel si Amasias na hari ng Juda, na anak ni Joas, na anak ni Ahazias, sa Bet-shemes, at dinala siya sa Jerusalem, at ibinagsak ang pader ng Jerusalem na may habang apatnaraang siko, mula sa Pintuan ng Efraim hanggang sa Pintuan sa Panulukan. Sinamsam niya ang lahat ng ginto at pilak, at lahat ng kagamitang natagpuan sa bahay ng Diyos, at si Obed-edom na kasama nila. Sinamsam din niya ang mga kayamanan ng bahay ng hari, pati ang mga bihag, at siya'y bumalik sa Samaria. Si Amasias na anak ni Joas na hari ng Juda ay nabuhay ng labinlimang taon pagkamatay ni Joas na anak ni Jehoahaz na hari ng Israel. Ang iba pa sa mga gawa ni Amasias, mula una hanggang katapusan, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel? Mula nang panahong talikuran niya ang PANGINOON ay nagsabwatan sila laban sa kanya sa Jerusalem, at siya'y tumakas sa Lakish. Ngunit kanilang pinasundan siya sa Lakish, at pinatay siya roon. Dinala siya na sakay sa mga kabayo, at inilibing siya na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David. At kinuha ng buong bayan ng Juda si Uzias, na labing-anim na taong gulang at ginawa siyang hari na kapalit ng kanyang amang si Amasias. Kanyang itinayo ang Eloth at isinauli sa Juda, pagkatapos na ang hari ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno. Si Uzias ay labing-anim na taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng limampu't dalawang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jecolia na taga-Jerusalem. At kanyang ginawa ang matuwid sa mga mata ng PANGINOON, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang amang si Amasias. Itinalaga niya ang sarili upang hanapin ang Diyos sa mga araw ni Zacarias, na siyang nagturo sa kanya sa pagkatakot sa Diyos; at habang kanyang hinahanap ang PANGINOON, pinagtatagumpay siya ng Diyos. Siya'y lumabas at nakipagdigma laban sa mga Filisteo, at ibinagsak ang pader ng Gat, ang pader ng Jabnia, at ang pader ng Asdod. Siya'y nagtayo ng mga lunsod sa nasasakupan ng Asdod at sa iba pang lugar sa gitna ng mga Filisteo. Tinulungan siya ng Diyos laban sa mga Filisteo at mga taga-Arabia na naninirahan sa Gurbaal, at laban sa mga Meunita. Ang mga Ammonita ay nagbayad ng buwis kay Uzias, at ang kanyang katanyagan ay lumaganap hanggang sa hangganan ng Ehipto, sapagkat siya'y naging napakalakas. Bukod dito'y nagtayo si Uzias ng mga muog sa Jerusalem sa Pintuan sa Panulukan at sa Pintuan sa Libis, at sa Pagliko, at pinatibay ang mga iyon. Siya'y nagtayo ng mga muog sa ilang at humukay ng maraming balon, sapagkat siya'y mayroong maraming kawan maging sa Shefela at sa kapatagan. Mayroon siyang mga magbubukid at manggagawa sa ubasan sa mga burol at sa matatabang lupain, sapagkat mahal niya ang lupa. Bukod dito, si Uzias ay may hukbo ng mga kawal, nababagay sa digmaan, na pulu-pulutong ayon sa pagbilang na ginawa ni Jeiel na kalihim, at ni Maasias na pinuno, sa ilalim ng pangangasiwa ni Hananias, isa sa mga punong kawal ng hari. Ang buong bilang ng mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno na matatapang na mandirigma ay dalawang libo at animnaraan. Sa ilalim ng kanilang pamumuno ay isang hukbo na tatlong daan at pitong libo at limang daan, na may kakayahang lumaban na may kapangyarihan, upang tulungan ang hari laban sa kaaway. At ang buong hukbo ay ipinaghanda ni Uzias ng mga kalasag, mga sibat, mga helmet, mga metal na saplot, mga pana, at mga batong pantirador. Siya'y gumawa sa Jerusalem ng mga makina, nilikha ng mga bihasang tao, upang ilagay sa mga tore at sa panulukan, upang magpahilagpos ng mga pana at malalaking bato. At ang kanyang kabantugan ay kumalat sa malayo, sapagkat siya'y kagila-gilalas na tinulungan hanggang sa siya'y lumakas. Ngunit nang siya'y lumakas, siya'y naging palalo na siya niyang ikinapahamak. Sapagkat kanyang nilapastangan ang PANGINOON niyang Diyos, at pumasok sa templo ng PANGINOON upang magsunog ng insenso sa ibabaw ng dambana ng insenso. Ngunit si Azarias na pari ay pumasok kasunod niya, na may kasamang walumpung pari ng PANGINOON na matatapang na lalaki. Kanilang hinadlangan si Haring Uzias, at sinabi sa kanya, "Hindi para sa iyo, Uzias, ang magsunog ng insenso sa PANGINOON, kundi para sa mga pari na mga anak ni Aaron, na mga itinalaga upang magsunog ng insenso. Lumabas ka sa santuwaryo sapagkat mali ang iyong ginawa, at hindi ito magbibigay sa iyo ng karangalan mula sa PANGINOONG Diyos." Nang magkagayo'y nagalit si Uzias. Noon ay mayroon siyang suuban sa kanyang kamay upang magsunog ng insenso. Nang siya'y magalit sa mga pari, may lumabas na ketong sa kanyang noo, sa harapan ng mga pari sa bahay ng PANGINOON, sa tabi ng dambana ng insenso. Si Azarias na punong pari at ang lahat ng mga pari ay tumingin sa kanya, siya'y may ketong sa kanyang noo! At siya'y mabilis nilang itinaboy papalabas at siya nama'y nagmamadaling lumabas, sapagkat sinaktan siya ng PANGINOON. Si Haring Uzias ay ketongin hanggang sa araw ng kanyang kamatayan, at palibhasa'y ketongin ay tumira siya sa isang bahay na nakabukod, sapagkat siya'y itiniwalag sa bahay ng PANGINOON. Si Jotam na kanyang anak ang namahala sa sambahayan ng hari, na nangangasiwa sa mga mamamayan ng lupain. Ang iba pa sa mga gawa ni Uzias, mula una hanggang katapusan, ay isinulat ni Isaias na propeta, na anak ni Amos. At si Uzias ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno. Kanilang inilibing siya na kasama ng kanyang mga ninuno sa parang na libingan na ukol sa mga hari; sapagkat kanilang sinabi, "Siya'y ketongin." At si Jotam na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. Si Jotam ay dalawampu't limang taon nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng labing-anim na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jerushah na anak ni Zadok. At kanyang ginawa ang matuwid sa paningin ng PANGINOON, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang amang si Uzias — liban lamang sa hindi niya pinasok ang templo ng PANGINOON. Ngunit ang taong-bayan ay sumunod sa masasamang gawain. Kanyang itinayo ang pang-itaas na pintuan ng bahay ng PANGINOON, at marami siyang ginawa sa pader ng Ofel. Bukod dito'y nagtayo siya ng mga lunsod sa lupaing maburol ng Juda, at ng mga kuta at mga tore sa magubat na burol. Siya'y lumaban sa hari ng mga Ammonita at nagtagumpay laban sa kanila. At ang mga Ammonita ay nagbigay sa kanya nang taon ding iyon ng isandaang talentong pilak, at sampung libong koro ng trigo at sampung libo ng sebada. Ang mga Ammonita ay nagbayad sa kanya ng gayunding halaga sa ikalawa at ikatlong taon. Kaya't si Jotam ay naging makapangyarihan, sapagkat inayos niya ang kanyang pamumuhay sa harapan ng PANGINOON niyang Diyos. Ang iba pa sa mga gawa ni Jotam, at ang lahat niyang mga pakikipagdigma, at ang kanyang pamumuhay ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Israel at Juda. Siya'y dalawampu't limang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing-anim na taon sa Jerusalem. At si Jotam ay namatay na kasama ng kanyang mga ninuno at kanilang inilibing siya sa lunsod ni David. Si Ahaz na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. Si Ahaz ay dalawampung taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing-anim na taon sa Jerusalem. Hindi niya ginawa ang matuwid sa paningin ng PANGINOON, na gaya ni David na kanyang ninuno, kundi siya'y lumakad sa mga landas ng mga hari ng Israel. Gumawa rin siya ng mga larawang hinulma para sa mga Baal. At nagsunog siya ng insenso sa libis ng anak ni Hinom, at sinunog ang kanyang mga anak bilang handog, ayon sa mga karumaldumal na kaugalian ng mga bansang pinalayas ng PANGINOON sa harapan ng mga anak ni Israel. Siya'y nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako sa mga burol, at sa ilalim ng bawat sariwang punungkahoy. Kaya't ibinigay siya ng PANGINOON niyang Diyos sa kamay ng hari ng Siria, na gumapi sa kanya at binihag ang malaking bilang ng kanyang kababayan at dinala sila sa Damasco. Ibinigay rin siya sa kamay ng hari ng Israel na gumapi sa kanya at napakarami ang napatay. Sapagkat si Peka na anak ni Remalias ay pumatay sa Juda ng isandaan at dalawampung libo sa isang araw, lahat sila ay matatapang na mandirigma, sapagkat kanilang tinalikuran ang PANGINOON, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Pinatay ni Zicri, na isang matapang na mandirigma sa Efraim, si Maasias na anak ng hari, at si Azricam na pinuno sa palasyo at si Elkana na pangalawa sa hari. At dinalang-bihag ng mga anak ni Israel ang dalawandaang libo sa kanilang mga kapatid, mga babae, mga anak na lalaki at babae. Kumuha rin sila ng maraming samsam mula sa kanila at dinala ang samsam sa Samaria. Ngunit isang propeta ng PANGINOON ang naroon na ang pangalan ay Oded; at siya'y lumabas upang salubungin ang hukbo na dumating sa Samaria, at sinabi sa kanila, "Sapagkat ang PANGINOON, ang Diyos ng inyong mga ninuno, ay nagalit sa Juda, kanyang ibinigay sila sa inyong kamay, ngunit inyong pinatay sila sa matinding galit na umabot hanggang sa langit. At ngayo'y binabalak ninyong lupigin ang mga anak ni Juda at ng Jerusalem, lalaki at babae, bilang inyong mga alipin. Wala ba kayong mga kasalanan laban sa PANGINOON ninyong Diyos? Ngayo'y pakinggan ninyo ako, at pabalikin ninyo ang mga bihag na inyong kinuha mula sa inyong mga kapatid, sapagkat ang matinding galit ng PANGINOON ay nasa inyo." Ilan rin sa mga pinuno sa mga anak ni Efraim, si Azarias na anak ni Johanan, si Berequias na anak ni Mesillemot, si Jehizkias na anak ni Shallum, at si Amasa na anak ni Hadlai, ay nagsitayo laban sa kanila na nanggaling sa pakikidigma, At sinabi sa kanila, "Huwag ninyong dadalhin dito ang mga bihag, sapagkat binabalak ninyong dalhan kami ng pagkakasala laban sa PANGINOON, na dagdag sa aming kasalukuyang mga kasalanan at paglabag. Sapagkat ang ating pagkakasala ay napakalaki na at may malaking poot laban sa Israel." Kaya't iniwan ng mga lalaking may sandata ang mga bihag at ang mga samsam sa harapan ng mga pinuno at ng buong kapulungan. At ang mga lalaking nabanggit ang pangalan ay tumindig at kinuha ang mga bihag, at sa pamamagitan ng samsam ay binihisan ang lahat ng hubad sa kanila. Dinamitan sila at binigyan ng sandalyas, pinakain, pinainom, at binuhusan ng langis. Nang maisakay ang lahat ng mahihina sa kanila sa mga asno, kanilang dinala sila sa kanilang mga kapatid sa Jerico, na lunsod ng mga puno ng palma. Pagkatapos ay bumalik sila sa Samaria. Nang panahong iyon ay nagsugo si Haring Ahaz sa mga hari ng Asiria upang humingi ng tulong. Sapagkat muling sinalakay ng mga Edomita at ginapi ang Juda, at nakadala ng mga bihag. At ang mga Filisteo ay nagsagawa ng mga paglusob sa mga bayan sa Shefela at sa Negeb ng Juda, at sinakop ang Bet-shemes, Ayalon, Gederot, ang Soco at ang mga nayon niyon, ang Timna at ang mga nayon niyon, at ang Gimzo at ang mga nayon niyon; at sila'y nanirahan doon. Sapagkat ibinaba ng PANGINOON ang Juda dahil kay Ahaz na hari ng Israel; sapagkat siya'y gumawa ng masama sa Juda at naging taksil sa PANGINOON. Kaya't si Tilgatpilneser na hari ng Asiria ay dumating laban sa kanya, at pinahirapan siya, sa halip na palakasin siya. Sapagkat si Ahaz ay kumuha sa bahay ng PANGINOON at sa bahay ng hari at ng mga pinuno at nagbigay ng buwis sa hari ng Asiria, ngunit hindi ito nakatulong sa kanya. At sa panahon ng kanyang kagipitan ay lalo pa siyang naging taksil sa PANGINOON, ito ring si Haring Ahaz. Sapagkat siya'y nag-alay sa mga diyos ng Damasco na gumapi sa kanya, at sinabi niya, "Sapagkat tinulungan sila ng mga diyos ng mga hari ng Siria, ako'y mag-aalay sa kanila, upang tulungan nila ako." Ngunit sila ang naging kapahamakan niya at ng buong Israel. Tinipon ni Ahaz ang mga kagamitan ng bahay ng Diyos, at pinagputul-putol ang mga kagamitan ng bahay ng Diyos. Kanyang isinara ang mga pinto ng bahay ng PANGINOON at siya'y gumawa para sa sarili ng mga dambana sa bawat sulok ng Jerusalem. Sa bawat lunsod ng Juda ay gumawa siya ng matataas na dako upang pagsunugan ng insenso sa mga ibang diyos, at ginalit ang PANGINOON, ang Diyos ng kanyang mga ninuno. Ang iba pa sa kanyang mga gawa, at ang lahat niyang mga lakad, mula una hanggang katapusan, ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel. At si Ahaz ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing nila siya sa lunsod, sa Jerusalem; sapagkat siya'y hindi nila dinala sa mga libingan ng mga hari sa Israel. Si Hezekias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. Si Hezekias ay nagsimulang maghari nang siya'y dalawampu't limang taong gulang, at siya'y naghari ng dalawampu't siyam na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Abias na anak ni Zacarias. At ginawa niya ang matuwid sa paningin ng PANGINOON, ayon sa lahat ng ginawa ni David na kanyang ninuno. Sa unang buwan ng unang taon ng kanyang paghahari, kanyang binuksan ang mga pintuan ng bahay ng PANGINOON, at kinumpuni ang mga iyon. Kanyang ipinatawag ang mga pari at mga Levita, at tinipon sila sa liwasan sa silangan. Kanyang sinabi sa kanila, "Pakinggan ninyo ako, mga Levita! Magpakabanal kayo ngayon, at pabanalin ninyo ang bahay ng PANGINOON, ang Diyos ng inyong mga ninuno, at ilabas ninyo ang dumi mula sa dakong banal. Sapagkat ang ating mga ninuno ay hindi naging tapat, at gumawa ng masama sa paningin ng PANGINOON nating Diyos. Kanilang pinabayaan siya, at inilayo nila ang kanilang mga mukha mula sa tahanan ng PANGINOON, at sila'y nagsitalikod. Kanila ring isinara ang mga pinto ng portiko, at pinatay ang mga ilawan, at hindi nagsunog ng insenso ni naghandog man ng mga handog na sinusunog sa dakong banal para sa Diyos ng Israel. Kaya't ang poot ng PANGINOON ay dumating sa Juda at Jerusalem, at ginawa silang tampulan ng sindak, pagtataka at pagkutya, gaya ng nakikita ng inyong mga mata. Ang ating mga ninuno ay nabuwal sa pamamagitan ng tabak, at ang ating mga anak na lalaki at babae at ang ating mga asawa ay nabihag dahil dito. Ngayon nga'y nasa aking puso na makipagtipan sa PANGINOON, sa Diyos ng Israel, upang ang kanyang matinding galit ay maalis sa atin. Mga anak ko, huwag kayo ngayong magpabaya, sapagkat pinili kayo ng PANGINOON upang tumayo sa harap niya, upang maglingkod sa kanya at maging kanyang mga lingkod at magsunog ng insenso sa kanya." At tumindig ang mga Levita, si Mahat na anak ni Amasai, at si Joel na anak ni Azarias, mula sa mga anak ng mga Kohatita; at mula sa mga anak ni Merari, si Kish na anak ni Abdi, at si Azarias na anak ni Jehalelel; mula sa mga Gershonita, si Joah na anak ni Zima, at si Eden na anak ni Joah; at sa mga anak ni Elisafan sina Simri at Jeiel; sa mga anak ni Asaf, si Zacarias at si Matanias: sa mga anak ni Heman, sina Jeiel at Shimei; at sa mga anak ni Jedutun, sina Shemaya at Uziel. Tinipon nila ang kanilang mga kapatid, at nagpakabanal, at pumasok ayon sa utos ng hari, sa pamamagitan ng mga salita ng PANGINOON, upang linisin ang bahay ng PANGINOON. Ang mga pari ay pumasok sa loob na bahagi ng bahay ng PANGINOON upang linisin ito, at kanilang inilabas ang lahat ng karumihan na kanilang natagpuan sa templo ng PANGINOON tungo sa bulwagan ng bahay ng PANGINOON. At kinuha ito ng mga Levita at inilabas ito sa batis ng Cedron. Sila'y nagpasimulang magpakabanal sa unang araw ng unang buwan, at sa ikawalong araw ng buwan ay pumunta sila sa portiko ng PANGINOON. Pagkatapos ay kanilang itinalaga ang bahay ng PANGINOON sa loob ng walong araw; at sa ikalabing-anim na araw ng unang buwan ay nakatapos sila. Pagkatapos ay pumunta sila kay Hezekias na hari, at kanilang sinabi, "Nalinis na namin ang buong bahay ng PANGINOON, ang dambana ng handog na sinusunog at ang lahat ng kasangkapan nito, at ang hapag para sa tinapay na handog, pati ang lahat ng kasangkapan nito. Lahat ng kasangkapang inalis ni Haring Ahaz sa kanyang paghahari nang siya'y di-tapat ay aming inihanda at itinalaga, ang mga ito ay nasa harapan ng dambana ng PANGINOON." Nang magkagayo'y maagang bumangon si Hezekias na hari at tinipon ang mga pinuno ng lunsod at umakyat sa bahay ng PANGINOON. Sila'y nagdala ng pitong baka, pitong tupa, at pitong kordero, at pitong kambing na lalaki, bilang handog pangkasalanan para sa kaharian, sa santuwaryo, at sa Juda. At siya'y nag-utos sa mga pari na mga anak ni Aaron na ihandog ang mga iyon sa dambana ng PANGINOON. Kaya't kanilang pinatay ang mga baka, at tinanggap ng mga pari ang dugo, at iwinisik sa dambana. Kanilang pinatay ang mga tupa at iwinisik ang dugo sa dambana; pinatay rin nila ang mga kordero at iwinisik ang dugo sa dambana. Kanilang inilapit ang mga kambing na lalaki na handog pangkasalanan sa harapan ng hari at ng kapulungan, at ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa mga iyon. Ang mga iyon ay pinatay ng mga pari at sila'y gumawa ng isang handog pangkasalanan sa pamamagitan ng dugo ng mga iyon sa ibabaw ng dambana, upang ipantubos sa buong Israel. Sapagkat iniutos ng hari na ang handog na sinusunog at ang handog pangkasalanan ay dapat gawin para sa buong Israel. Kanyang inilagay ang mga Levita sa bahay ng PANGINOON na may mga pompiyang, mga salterio, at mga alpa, ayon sa utos ni David at ni Gad na propeta ng hari, at ni Natan na propeta; sapagkat ang utos ay mula sa PANGINOON sa pamamagitan ng kanyang mga propeta. Ang mga Levita ay tumayo na may mga panugtog ni David, at ang mga pari na may mga trumpeta. At si Hezekias ay nag-utos na ang handog na sinusunog ay ialay sa ibabaw ng dambana. Nang ang handog na sinusunog ay pinasimulan, ang awit sa PANGINOON ay pinasimulan din, pati ang mga trumpeta, sa saliw ng mga panugtog ni David na hari ng Israel. At ang buong kapulungan ay sumamba, at ang mga mang-aawit ay umawit, at ang mga trumpeta ay tumunog; lahat ng ito ay nagpatuloy hanggang sa ang handog na sinusunog ay natapos. Nang matapos ang paghahandog, ang hari at ang lahat ng naroroong kasama niya ay yumukod at sumamba. At iniutos ni Haring Hezekias at ng mga pinuno sa mga Levita na umawit ng mga papuri sa PANGINOON sa pamamagitan ng mga salita ni David at ni Asaf na propeta. At sila'y umawit ng mga papuri na may kagalakan, at sila'y yumukod at sumamba. Pagkatapos ay sinabi ni Hezekias, "Ngayo'y naitalaga na ninyo ang inyong mga sarili sa PANGINOON; kayo'y magsilapit, magdala kayo ng mga alay at mga handog ng pasasalamat sa bahay ng PANGINOON." At nagdala ang kapulungan ng mga alay at ng mga handog ng pasasalamat; at lahat ng may kusang kalooban ay nagdala ng mga handog na sinusunog. At ang bilang ng mga handog na sinusunog na dinala ng kapulungan ay pitumpung baka, isandaang tupang lalaki at dalawandaang kordero. Lahat ng mga ito ay para sa handog na sinusunog sa PANGINOON. At ang mga handog na itinalaga ay animnaraang baka at tatlong libong tupa. Ngunit ang mga pari ay kakaunti at hindi nila kayang balatan ang lahat ng handog na sinusunog. Kaya't tinulungan sila ng kanilang mga kapatid na mga Levita, hanggang sa natapos ang gawain, at hanggang sa makapagpabanal ang nalabi sa mga pari — sapagkat ang mga Levita ay higit na matuwid ang puso kaysa mga pari sa pagpapabanal. Bukod sa napakalaking bilang ng mga handog na sinusunog, mayroong taba ng mga handog pangkapayapaan, at mayroong mga handog na inumin para sa handog na susunugin. Sa gayo'y naibalik ang paglilingkod sa bahay ng PANGINOON. At si Hezekias at ang buong bayan ay nagalak, dahil sa ginawa ng Diyos para sa bayan; sapagkat ang bagay na iyon ay biglang nangyari. Si Hezekias ay nagpasabi sa buong Israel at Juda, at sumulat din ng mga liham sa Efraim at Manases, na sila'y pumunta sa bahay ng PANGINOON sa Jerusalem, upang ipangilin ang paskuwa sa PANGINOONG Diyos ng Israel. Sapagkat ang hari at ang kanyang mga pinuno at ang buong kapulungan sa Jerusalem ay nagkasundong ipangilin ang paskuwa sa ikalawang buwan — yamang hindi nila maipangilin iyon sa panahong iyon, sapagkat wala pang sapat na bilang ng mga pari ang nakapagpabanal, at hindi pa nakapagtipon ang taong-bayan sa Jerusalem. Ang panukala ay minabuti ng hari at ng buong kapulungan. Kaya't kanilang ipinag-utos na gumawa ng pahayag sa buong Israel mula sa Beer-seba hanggang sa Dan, na ang bayan ay dapat dumating at ipangilin ang paskuwa sa PANGINOONG Diyos ng Israel, sa Jerusalem; sapagkat hindi pa nila ito naipagdiriwang sa malaking bilang gaya ng iniatas. Kaya't ang mga tagapagdala ng sulat ay lumibot sa buong Israel at Juda dala ang sulat mula sa hari at sa kanyang mga pinuno, ayon sa utos ng hari, na sinasabi, "Kayong mga anak ni Israel, manumbalik kayo sa PANGINOON, sa Diyos ni Abraham, Isaac, at Israel, upang siya'y muling manumbalik sa nalabi sa inyo na nakatakas mula sa kamay ng mga hari ng Asiria. Huwag kayong maging gaya ng inyong mga ninuno at mga kapatid, na naging taksil sa PANGINOONG Diyos ng kanilang mga ninuno, kaya't sila'y ginawa niyang isang kapanglawan gaya ng inyong nakikita. Huwag kayo ngayong maging matigas ang ulo, na gaya ng inyong mga ninuno, kundi ibigay ninyo ang sarili sa PANGINOON. Pumasok kayo sa kanyang santuwaryo na kanyang itinalaga magpakailanman, at paglingkuran ninyo ang PANGINOON ninyong Diyos, upang ang kanyang matinding galit ay lumayo sa inyo. Sapagkat kapag kayo'y nanumbalik sa PANGINOON, ang inyong mga kapatid at ang inyong mga anak ay makakatagpo ng habag sa mga bumihag sa kanila at babalik sa lupaing ito. Sapagkat ang PANGINOON ninyong Diyos ay mapagpala at maawain, at hindi niya ilalayo ang kanyang mukha sa inyo, kung kayo'y manunumbalik sa kanya." Kaya't ang mga tagapagdala ng sulat ay nagtungo sa bayan-bayan sa lupain ng Efraim at Manases hanggang sa Zebulon; ngunit sila'y pinagtawanang may pagkutya at paghamak. Tanging ang ilan sa Aser, sa Manases, at sa Zebulon ang nagpakumbaba, at pumunta sa Jerusalem. Ang kamay ng Diyos ay nasa Juda rin upang bigyan sila ng isang puso upang gawin ang iniutos ng hari at ng mga pinuno sa pamamagitan ng salita ng PANGINOON. Maraming tao ang sama-samang dumating sa Jerusalem upang ipagdiwang ang pista ng tinapay na walang pampaalsa sa ikalawang buwan, iyon ay isang napakalaking pagtitipon. Nagsimula silang gumawa at inalis ang mga dambanang nasa Jerusalem, at ang lahat ng dambana para sa pagsusunog ng insenso ay inalis nila at itinapon sa libis ng Cedron. Kanilang pinatay ang kordero ng paskuwa nang ikalabing-apat na araw ng ikalawang buwan. Ang mga pari at mga Levita ay nalagay sa kahihiyan, kaya't sila'y nagpakabanal at nagdala ng mga handog na sinusunog sa bahay ng PANGINOON. At sila'y tumayo sa kanilang kinagawiang puwesto ayon sa kautusan ni Moises na tao ng Diyos. Iwinisik ng mga pari ang dugo na kanilang tinanggap mula sa kamay ng mga Levita. Sapagkat marami sa kapulungan na hindi nagpakabanal ng kanilang sarili; kaya't kailangang patayin ng mga Levita ang kordero ng paskuwa para sa bawat isa na hindi malinis, upang iyon ay gawing banal sa PANGINOON. Sapagkat napakarami sa mga tao, marami sa kanila ay mula sa Efraim, Manases, Isacar, at sa Zebulon, ang hindi naglinis ng kanilang sarili, gayunma'y kumain sila ng kordero ng paskuwa na hindi ayon sa ipinag-utos. Sapagkat idinalangin sila ni Hezekias, na sinasabi, "Patawarin nawa ng mabuting PANGINOON ang bawat isa, na nagtatalaga ng kanyang puso upang hanapin ang Diyos, ang PANGINOONG Diyos ng kanyang mga ninuno, bagaman hindi ayon sa batas ng santuwaryo hinggil sa paglilinis." Pinakinggan ng PANGINOON si Hezekias, at pinagaling ang taong-bayan. At ang mga anak ni Israel nanaroroon sa Jerusalem ay nagdiwang ng pista ng tinapay na walang pampaalsa sa loob ng pitong araw na may malaking kagalakan; at pinuri ng mga Levita at ng mga pari ang PANGINOON araw-araw, na umawit nang buong lakas sa PANGINOON. Si Hezekias ay nagsalitang may pampasigla sa lahat ng mga Levita na nagpakita ng mabuting kakayahan sa paglilingkod sa PANGINOON. Kaya't ang mga tao ay kumain ng pagkain ng kapistahan sa loob ng pitong araw, na nag-aalay ng mga handog pangkapayapaan, at nagpapasalamat sa PANGINOONG Diyos ng kanilang mga ninuno. At ang buong kapulungan ay nagkasundong ipagdiwang ang pista ng pitong araw pa; kaya't ito ay kanilang ipinagdiwang ng pitong araw pa na may kagalakan. Sapagkat si Hezekias na hari ng Juda ay nagbigay sa kapulungan ng isanlibong baka at pitong libong tupa bilang mga handog, at ang mga pinuno ay nagbigay sa kapulungan ng isanlibong baka at sampung libong tupa. At ang napakalaking bilang ng mga pari ay nagpakabanal. At ang buong kapulungan ng Juda, ang mga pari at mga Levita, ang buong kapulungan na lumabas sa Israel, ang mga dayuhang nagsilabas mula sa lupain ng Israel, at ang mga dayuhang naninirahan sa Juda ay nagalak. Kaya't nagkaroon ng malaking kagalakan sa Jerusalem, sapagkat mula nang panahon ni Solomon na anak ni David na hari ng Israel, ay hindi pa nagkaroon ng tulad nito sa Jerusalem. Pagkatapos tumayo ang mga pari at mga Levita at binasbasan ang taong-bayan, at ang tinig nila ay narinig at ang kanilang panalangin ay umabot sa kanyang banal na tahanan sa langit. Nang matapos na ang lahat ng ito, ang buong Israel na naroroon ay lumabas patungo sa mga lunsod ng Juda at pinagputul-putol ang mga haligi at ibinuwal ang mga sagradong poste at giniba ang matataas na dako at ang mga dambana sa buong Juda at Benjamin, sa Efraim at sa Manases, hanggang sa mawasak nilang lahat. Pagkatapos ay bumalik ang lahat ng mga anak ni Israel sa kanilang mga lunsod, bawat isa'y sa kanyang ari-arian. Hinirang ni Hezekias ang mga pangkat ng mga pari at mga Levita, sa kanya-kanyang pangkat, bawat lalaki ay ayon sa kanyang katungkulan, ang mga pari at mga Levita, para sa mga handog na sinusunog at sa mga handog pangkapayapaan, upang maglingkod sa mga pintuan ng kampo ng PANGINOON at magpasalamat at magpuri. Ang ambag ng hari mula sa kanyang sariling pag-aari ay para sa mga handog na sinusunog: ang mga handog na sinusunog sa umaga at sa hapon, mga handog na sinusunog para sa mga Sabbath, mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan, na gaya ng nakasulat sa kautusan ng PANGINOON. At nag-utos siya sa mga taong naninirahan sa Jerusalem na ibigay ang bahaging nararapat sa mga pari at mga Levita, upang maiukol nila ang kanilang mga sarili sa kautusan ng PANGINOON. Nang maikalat na ang utos, ang mga anak ni Israel ay saganang nagbigay ng mga unang bunga ng trigo, alak, langis, pulot, at ng lahat na bunga ng bukid, at sila ay nagdala ng napakaraming ikasampung bahagi ng lahat ng bagay. Ang mga anak ni Israel at ni Juda na naninirahan sa mga bayan ng Juda ay nagdala rin ng ikasampung bahagi ng mga baka at mga tupa, at ng ikasampung bahagi ng mga bagay na itinalaga sa PANGINOON nilang Diyos, at ang mga iyon ay kanilang isinalansan. Nang ikatlong buwan ay nagpasimula silang magsalansan at natapos ang mga iyon sa ikapitong buwan. Nang si Hezekias at ang mga pinuno ay dumating at nakita ang mga salansan, kanilang pinuri ang PANGINOON at ang kanyang bayang Israel. At tinanong ni Hezekias ang mga pari at mga Levita tungkol sa mga salansan. Si Azarias na punong pari, mula sa sambahayan ni Zadok, ay sumagot sa kanya, "Mula nang sila ay magdala ng mga kaloob sa bahay ng PANGINOON, kami ay kumain at nagkaroon ng sapat at marami ang natira, sapagkat pinagpala ng PANGINOON ang kanyang bayan, kaya't kami ay mayroong ganito karaming nalabi." Kaya't inutusan sila ni Hezekias na maghanda ng mga silid sa bahay ng PANGINOON; at inihanda nila ang mga iyon. At may katapatan nilang dinala ang mga kaloob, mga ikasampung bahagi at ang mga itinalagang bagay. Ang punong-tagapangasiwa sa kanila ay si Conanias na Levita, at ang pangalawa ay si Shimei na kanyang kapatid. Samantala, sina Jeiel, Azazias, Nahat, Asahel, Jerimot, Josabad, Eliel, Ismachias, Mahat, at Benaya ay mga tagapangasiwang tumutulong kina Conanias at Shimei na kanyang kapatid, ayon sa pagpili ni Haring Hezekias at ni Azarias na punong-tagapamahala sa bahay ng Diyos. Si Korah na anak ni Imna na Levita, na tanod sa silangang pintuan ay katiwala sa mga kusang-loob na handog sa Diyos, upang magbahagi ng mga ambag na inilaan para sa PANGINOON at sa mga kabanal-banalang bagay. Sina Eden, Miniamin, Jeshua, Shemaya, Amarias, at Shecanias ay tapat na tumutulong sa kanya sa mga bayan ng mga pari, upang ipamigay ang mga bahagi sa kanilang mga kapatid, maging matanda at bata, ayon sa mga pangkat, maliban doon sa nakatala ayon sa talaan ng angkan, mga lalaki mula sa tatlong taong gulang pataas, lahat ng pumasok sa bahay ng PANGINOON, ayon sa kailangan ng katungkulan sa bawat araw, para sa kanilang paglilingkod ayon sa kanilang mga katungkulan ayon sa mga pangkat. Ang pagtatala sa mga pari ay ayon sa sambahayan ng kanilang mga ninuno; ang mga Levita mula dalawampung taong gulang at pataas ay ayon sa kanilang mga katungkulan, ayon sa kanilang mga pangkat. Ang mga pari ay itinala kasama ng lahat nilang mga anak, mga asawa, mga anak na lalaki at babae, ang buong kapulungan; sapagkat sila'y naging tapat sa pagpapanatiling banal sa kanilang mga sarili. At para sa mga anak ni Aaron, ang mga pari na nasa kabukiran ng mga nayon ng kanilang mga bayan, may mga lalaki sa iba't ibang bayan na itinalaga sa pangalan upang mamigay ng mga bahagi sa bawat lalaki sa mga pari, at sa bawat isa sa mga Levita na nakatala. Ganito ang ginawa ni Hezekias sa buong Juda; at ginawa niya ang mabuti, maruwid, at tapat sa harapan ng PANGINOON niyang Diyos. At ang bawat gawain na kanyang ginawa sa paglilingkod sa bahay ng Diyos at ayon sa kautusan at sa mga tuntunin upang hanapin ang kanyang Diyos, ay kanyang ginawa ng buong puso, at siya'y umunlad. Pagkatapos ng mga bagay na ito at ng ganitong gawa ng katapatan, si Senakerib na hari ng Asiria ay dumating at sinalakay ang Juda at kinubkob ang mga lunsod na may kuta, na iniisip na sakupin ang mga iyon para sa kanyang sarili. Nang makita ni Hezekias na si Senakerib ay dumating at nagbabalak labanan ang Jerusalem, nakipagsanggunian siya sa kanyang mga pinuno at sa kanyang mga mandirigma na patigilin ang tubig sa mga bukal na nasa labas ng lunsod; at kanilang tinulungan siya. Napakaraming tao ang nagtipon at kanilang pinatigil ang lahat ng bukal at ang batis na umaagos sa lupain, na sinasabi, "Bakit paparito ang mga hari ng Asiria, at makakatagpo ng maraming tubig?" At si Hezekias ay gumawang may katatagan, at itinayo ang lahat ng pader na bumagsak, at pinataas ang mga muog, at sa labas nito ay nagtayo siya ng iba pang pader. Pinatibay niya ang Milo sa lunsod ni David. Gumawa rin siya ng maraming sandata at mga kalasag. Siya'y naglagay ng mga pinunong mandirigma upang mamuno sa mga tao, at sila'y tinipon niya sa liwasang-bayan sa pintuan ng lunsod at nagsalita ng pampalakas-loob sa kanila, na sinasabi, "Kayo'y magpakalakas at magpakatapang na mabuti. Huwag kayong matakot o manlupaypay sa harapan ng hari ng Asiria at sa lahat ng mga hukbong kasama niya sapagkat sa panig natin ay mayroong lalong dakila kaysa kanya. Ang nasa kanya ay isang kamay na laman, ngunit kasama natin ang PANGINOON nating Diyos na tutulong at lalaban sa ating mga pakikipaglaban." At ang bayan ay nagtiwala mula sa mga salita ni Hezekias na hari ng Juda. Pagkatapos nito, sinugo ni Senakerib na hari ng Asiria, na noo'y sumasalakay sa Lakish kasama ang lahat ng mga tauhan, ang kanyang mga lingkod sa Jerusalem kay Hezekias na hari ng Juda at sa lahat ng mamamayan ng Juda na nasa Jerusalem, na sinasabi, "Ganito ang sabi ni Senakerib na hari ng Asiria, 'Sa ano kayo umaasa upang kayo'y makatagal na nakukubkob sa Jerusalem? Hindi ba't inililigaw kayo ni Hezekias, upang kayo'y maibigay niya upang mamatay sa gutom at uhaw, nang sabihin niya sa inyo, "Ililigtas tayo ng PANGINOON nating Diyos sa kamay ng hari ng Asiria?" Hindi ba ang Hezekias ding ito ang nag-alis ng kanyang matataas na dako at mga dambana at nag-utos sa Juda at sa Jerusalem, "Kayo'y magsisisamba sa harapan ng isang dambana, at sa ibabaw niyon ay magsusunog kayo ng inyong mga handog?" Hindi ba ninyo nalalaman kung ano ang ginawa ko at ng aking mga ninuno sa lahat ng mga tao ng ibang mga lupain? Ang mga diyos ba ng mga bansa ng mga lupaing iyon ay nakapagligtas sa kanilang lupain sa aking kamay? Sino sa lahat ng mga diyos ng mga bansang iyon na lubos na giniba ng aking mga ninuno ang nakapagligtas ng kanyang bayan sa aking kamay, na magagawa ng inyong Diyos na kayo'y mailigtas sa aking kamay? kaya't ngayo'y huwag kayong padaya kay Hezekias o hayaang iligaw kayo sa ganitong paraan. Huwag ninyo siyang paniwalaan, sapagkat walang diyos ng alinmang bansa o kaharian na nakapagligtas ng kanyang bayan sa aking kamay at sa kamay ng aking mga ninuno. Gaano pa kaya ang inyong Diyos na makapagliligtas sa inyo sa aking kamay!'" Ang kanyang mga lingkod ay nagsalita ng marami pa laban sa PANGINOONG Diyos at sa kanyang lingkod na si Hezekias. Siya'y sumulat ng mga liham upang alipustain ang PANGINOONG Diyos ng Israel at upang magsalita laban sa kanya, "Gaya ng mga diyos ng mga bansa ng mga lupain na hindi nakapagligtas ng kanilang bayan sa aking kamay, gayundin hindi maililigtas ng Diyos ni Hezekias ang kanyang bayan sa aking kamay." Iyon ay kanilang isinigaw sa malakas na tinig sa wika ng Juda sa mga mamamayan ng Jerusalem na nasa pader, upang takutin at sindakin sila, upang kanilang masakop ang lunsod. At sila'y nagsalita tungkol sa Diyos ng Jerusalem na gaya ng sa mga diyos ng mga bayan sa lupa, na gawa ng mga kamay ng mga tao. Kaya't si Haring Hezekias at si propeta Isaias na anak ni Amos, ay nanalangin dahil dito at dumaing sa langit. At ang PANGINOON ay nagsugo ng isang anghel na siyang pumatay sa lahat ng malalakas na mandirigma, at mga pinuno at mga punong kawal sa kampo ng hari ng Asiria. Kaya't siya'y bumalik sa kanyang sariling lupain na nahihiya. Nang siya'y dumating sa bahay ng kanyang diyos, pinatay siya roon ng tabak ng ilan sa kanyang sariling mga anak. Sa gayon iniligtas ng PANGINOON si Hezekias at ang mga mamamayan ng Jerusalem mula sa kamay ni Senakerib na hari ng Asiria at sa kamay ng lahat niyang mga kaaway; at kanyang binigyan sila ng kapahingahan sa bawat panig. At maraming nagdala ng mga kaloob sa PANGINOON sa Jerusalem at ng mahahalagang bagay kay Hezekias na hari ng Juda, anupa't siya'y dinakila sa paningin ng lahat ng mga bansa mula noon. Nang mga araw na iyon ay nagkasakit si Hezekias at malapit nang mamatay. Siya'y nanalangin sa PANGINOON at kanyang sinagot siya at binigyan ng isang tanda. Ngunit si Hezekias ay hindi tumugon ayon sa kabutihang ginawa sa kanya, sapagkat ang kanyang puso ay naging palalo. Kaya't ang poot ay dumating sa kanya, sa Juda, at sa Jerusalem. Subalit nagpakababa si Hezekias dahil sa pagmamataas ng kanyang puso, siya at ang mga mamamayan ng Jerusalem, kaya't ang poot ng PANGINOON ay hindi dumating sa kanila sa mga araw ni Hezekias. Si Hezekias ay nagkaroon ng napakalaking kayamanan at karangalan. Siya'y gumawa para sa kanyang sarili ng mga kabang-yaman para sa pilak, ginto, mga mamahaling bato, mga pabango, mga kalasag, at ng lahat ng uri ng mga mamahaling bagay; ng mga kamalig para sa inaning butil, alak, at langis at ng mga silungan para sa lahat ng uri ng hayop, at mga kulungan ng tupa. Bukod dito'y naglaan siya para sa kanyang sarili ng mga lunsod, at maraming mga kawan at mga bakahan sapagkat binigyan siya ng Diyos ng napakaraming pag-aari, Ang Hezekias ding ito ang nagpasara ng pang-itaas na labasan ng tubig ng Gihon at pinadaloy pababa sa dakong kanluran ng lunsod ni David. At si Hezekias ay nagtagumpay sa lahat ng kanyang mga gawa. Kaya't tungkol sa mga sugo ng mga pinuno ng Babilonia, na isinugo sa kanya upang mag-usisa tungkol sa tanda na ginawa sa lupain, ipinaubaya ito sa kanya ng Diyos, upang subukin siya at upang malaman ang lahat ng nasa kanyang puso. Ang iba pa sa mga ginawa ni Hezekias, at ang kanyang mabubuting gawa ay nakasulat sa pangitain ni propeta Isaias na anak ni Amos, sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel. At si Hezekias ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at kanilang inilibing siya sa gulod ng mga libingan ng mga anak ni David. Binigyan siya ng parangal ng buong Juda at ng mga mamamayan ng Jerusalem sa kanyang kamatayan. At si Manases na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. Si Manases ay labindalawang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari ng limampu't limang taon sa Jerusalem. Siya'y gumawa ng masama sa paningin ng PANGINOON, ayon sa mga karumaldumal na kaugalian ng mga bansang pinalayas ng PANGINOON sa harapan ng mga anak ni Israel. Sapagkat kanyang muling itinayo ang matataas na dako na iginiba ni Hezekias na kanyang ama. Siya'y nagtayo ng mga dambana para sa mga Baal, at gumawa ng mga sagradong poste, at sumamba sa lahat ng mga hukbo ng langit, at naglingkod sa mga iyon. Siya'y nagtayo ng mga dambana sa bahay ng PANGINOON, na tungkol doon ay sinabi ng PANGINOON, "Sa Jerusalem ay ilalagay ang aking pangalan magpakailanman." Siya'y nagtayo rin ng mga dambana para sa lahat ng hukbo ng langit sa dalawang bulwagan ng bahay ng PANGINOON. Kanyang sinunog ang kanyang mga anak na lalaki bilang handog sa libis ng anak ni Hinom, at siya'y gumawa ng panghuhula, pangkukulam, at panggagaway, at sumangguni sa masasamang espiritu, at sa mga salamangkero. Siya'y gumawa ng maraming kasamaan sa paningin ng PANGINOON at kanyang ginalit siya. Ang larawan ng diyus-diyosan na kanyang ginawa ay inilagay niya sa bahay ng Diyos, na tungkol doon ay sinabi ng Diyos kay David at kay Solomon na kanyang anak, "Sa bahay na ito, at sa Jerusalem na aking pinili mula sa lahat ng mga lipi ni Israel, aking ilalagay ang aking pangalan magpakailanman. Hindi ko na aalisin pa ang paa ng Israel sa lupain na aking itinakda para sa inyong mga ninuno, kung kanila lamang iingatan ang lahat ng aking iniutos sa kanila, ang buong kautusan at ang mga tuntunin at ang mga batas na ibinigay sa pamamagitan ni Moises." Inakit ni Manases ang Juda at ang mga mamamayan ng Jerusalem, kaya't sila'y gumawa ng higit pang kasamaan kaysa ginawa ng mga bansang nilipol ng PANGINOON sa harapan ng mga anak ni Israel. Ang PANGINOON ay nagsalita kay Manases at sa kanyang bayan, ngunit hindi nila binigyang-pansin. Kaya't dinala ng PANGINOON sa kanila ang mga punong kawal ng hukbo ng hari ng Asiria, na siyang nagdala kay Manases na nakagapos at itinali siya ng mga kadenang tanso at dinala sa Babilonia. Nang siya'y nasa paghihirap siya'y sumamo sa PANGINOON niyang Diyos, at lubos na nagpakumbaba sa harapan ng Diyos ng kanyang mga ninuno. Siya'y nanalangin sa kanya at tinanggap ang kanyang pakiusap at pinakinggan ang kanyang daing, at ibinalik siya sa Jerusalem sa kanyang kaharian. Nang magkagayo'y nakilala ni Manases na ang PANGINOON ay siyang Diyos. Pagkatapos nito ay nagtayo siya ng isang panlabas na pader para sa lunsod ni David, sa dakong kanluran ng Gihon, sa libis, at para sa pasukan patungo sa Pintuang-Isda, at ipinalibot sa Ofel, at itinaas nang napakataas. Naglagay rin siya ng mga pinunong hukbo sa lahat ng lunsod na may kuta sa Juda. Kanyang inalis ang mga ibang diyos at ang diyus-diyosan sa bahay ng PANGINOON, at ang lahat ng dambana na kanyang itinayo sa bundok ng bahay ng PANGINOON at sa Jerusalem, at itinapon ang mga iyon sa labas ng lunsod. Ibinalik rin niya sa dati ang dambana ng PANGINOON at nag-alay doon ng mga handog pangkapayapaan at pasasalamat; at inutusan niya ang Juda na maglingkod sa PANGINOONG Diyos ng Israel. Gayunman, ang taong-bayan ay patuloy pa ring nag-alay sa matataas na dako, ngunit tanging sa PANGINOON nilang Diyos. Ang iba pa sa mga gawa ni Manases, at ang kanyang panalangin sa kanyang Diyos, at ang mga propeta na nagsalita sa kanya sa pangalan ng PANGINOONG Diyos ng Israel, ay nasa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. At ang kanyang panalangin, at kung paanong tinanggap ng Diyos ang kanyang pakiusap, ang lahat niyang kasalanan at kataksilan, at ang mga dakong kanyang pinagtayuan ng matataas na dako at ng mga sagradong poste at ng mga larawang inanyuan, bago siya nagpakumbaba, ay nakasulat sa Kasaysayan ni Hozai. Kaya't natulog si Manases na kasama ng kanyang mga ninuno, at kanilang inilibing siya sa kanyang sariling bahay. Si Amon na kanyang anak ay nagharing kapalit niya. Si Amon ay dalawampu't dalawang taon nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng dalawang taon sa Jerusalem. Kanyang ginawa ang masama sa paningin ng PANGINOON, gaya ng ginawa ni Manases na kanyang ama. Si Amon ay naghandog sa lahat ng larawang inanyuan na ginawa ni Manases na kanyang ama, at naglingkod sa mga iyon. Siya'y hindi nagpakumbaba sa harapan ng PANGINOON, gaya ng pagpapakumbaba ni Manases na kanyang ama, kundi ang Amon ding ito ay nagbunton ng higit pang pagkakasala. At ang kanyang mga lingkod ay nagsabwatan laban sa kanya at pinatay siya sa kanyang sariling bahay. Ngunit pinatay ng mga taong-bayan ng lupain ang lahat ng nagsabwatan laban kay Haring Amon; at ginawang hari ng mga taong-bayan ng lupain si Josias na kanyang anak bilang kapalit niya. Si Josias ay walong taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari ng tatlumpu't isang taon sa Jerusalem. Kanyang ginawa ang matuwid sa paningin ng PANGINOON, at lumakad sa mga landas ni David na kanyang ninuno, at hindi siya lumiko sa kanan o sa kaliwa. Sapagkat sa ikawalong taon ng kanyang paghahari, samantalang siya'y bata pa, kanyang pinasimulang hanapin ang Diyos ni David na kanyang ninuno. At sa ikalabindalawang taon ay kanyang pinasimulang linisin ang Juda at Jerusalem sa matataas na dako, mga sagradong poste, mga larawang inukit, at mga larawang hinulma. At kanilang winasak ang mga dambana ng mga Baal sa kanyang harapan; at kanyang ibinagsak ang mga dambana ng insenso na nasa ibabaw nila. Ang mga sagradong poste, mga larawang inukit, at mga larawang hinulma ay kanyang pinagputul-putol, dinurog, at isinabog sa mga libingan ng naghandog sa kanila. Sinunog din niya ang mga buto ng mga pari sa kanilang mga dambana, at nilinis ang Juda at ang Jerusalem. At sa mga bayan ng Manases, Efraim, at Simeon, hanggang sa Neftali, sa kanilang mga guho sa palibot, ay kanyang winasak ang mga dambana at dinurog ang mga sagradong posted at mga larawang inukit hanggang maging alabok, at pinagputul-putol ang lahat ng dambana ng insenso sa buong lupain ng Israel. Pagkatapos ay bumalik siya sa Jerusalem. Sa ikalabingwalong taon ng kanyang paghahari, nang kanyang malinis na ang lupain at ang bahay, ay kanyang sinugo si Safan na anak ni Azalia, at si Maasias na tagapamahala ng lunsod, at si Joah na anak ni Joahaz na tagapagtala, upang kumpunihin ang bahay ng PANGINOON niyang Diyos. Sila'y pumunta kay Hilkias na pinakapunong pari at ibinigay ang salapi na dinala sa bahay ng Diyos na nalikom ng mga Levita at mga bantay sa pintuan mula sa kamay ng Manases at ng Efraim, at sa lahat ng nalabi sa Israel, Juda, Benjamin, at sa mga naninirahan sa Jerusalem. Iyon ay kanilang ibinigay sa mga manggagawang namamahala sa bahay ng PANGINOON; at ibinigay iyon ng mga manggagawa na gumagawa sa bahay ng PANGINOON upang kumpunihin at isaayos ang bahay. Ibinigay nila iyon sa mga karpintero at sa mga tagapagtayo upang ibili ng mga batong tinabas, at ng mga trosong panghalang at mga biga para sa mga gusaling hinayaang magiba ng mga hari ng Juda. At matapat na ginawa ng taong-bayan ang gawain. Inilagay na mga tagapamahala sa kanila sina Jahat at Obadias na mga Levita, mula sa mga anak ni Merari; at sina Zacarias at Mesulam, mula sa mga anak ng mga Kohatita upang mangasiwa. Ang mga Levita, na pawang bihasa sa mga kagamitang panugtog, ay namahala sa mga tagabuhat ng mga pasan at pinamamahalaan ang lahat ng gumagawa sa bawat uri ng paglilingkod; at ang ibang mga Levita ay mga manunulat, mga pinuno, at mga bantay-pinto. Samantalang kanilang inilalabas ang salaping ipinasok sa bahay ng PANGINOON, natagpuan ni Hilkias na pari ang aklat ng kautusan ng PANGINOON na ibinigay sa pamamagitan ni Moises. Sinabi ni Hilkias kay Safan na kalihim, 'Aking natagpuan ang aklat ng kautusan sa bahay ng PANGINOON." At ibinigay ni Hilkias ang aklat kay Safan. Dinala ni Safan ang aklat sa hari, at bukod dito'y iniulat pa sa hari, "Lahat ng ipinamahala sa iyong mga lingkod ay kanilang ginagawa. Kanilang kinuhang lahat ang salaping natagpuan sa bahay ng PANGINOON at ibinigay ito sa kamay ng mga tagapamahala at mga manggagawa." At sinabi ni Safan na kalihim sa hari, "Si Hilkias na pari ay nagbigay sa akin ng isang aklat." At binasa ito ni Safan sa harapan ng hari. Nang marinig ng hari ang mga salita ng kautusan, pinunit niya ang kanyang suot. At inutusan ng hari sina Hilkias, Ahicam na anak ni Safan, Abdon na anak ni Micaias, Safan na kalihim, at si Asaya na lingkod ng hari, na sinasabi, "Humayo kayo at sumangguni sa PANGINOON, para sa akin at sa kanila na naiwan sa Israel at Juda, tungkol sa mga salita ng aklat na natagpuan sapagkat malaki ang poot ng PANGINOON na nabubuhos sa atin. Sapagkat hindi iningatan ng ating mga ninuno ang salita ng PANGINOON, upang gawin ang ayon sa lahat ng nasusulat sa aklat na ito." Kaya't si Hilkias at silang mga sinugo ng hari, ay pumunta kay Hulda na babaing propeta, na asawa ni Shallum na anak ni Tokhat, na anak ni Haras, na tagapag-ingat ng silid ng kasuotan; (siya nga'y nakatira sa Jerusalem sa Ikalawang Bahagi;) at kanilang sinabi sa kanya ang gayon. At sinabi niya sa kanila, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng Israel: 'Sabihin ninyo sa lalaking nagsugo sa inyo sa akin, Ganito ang sabi ng PANGINOON, Ako'y magdadala ng kasamaan sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito, lahat ng sumpa na nakasulat sa aklat na binasa sa harapan ng hari ng Juda. Sapagkat tinalikuran nila ako at nagsunog sila ng insenso sa ibang mga diyos, upang galitin sa pamamagitan ng lahat ng gawa ng kanilang mga kamay; kaya't ang aking poot ay ibubuhos sa dakong ito at hindi mapapawi. Ngunit sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo upang sumangguni sa PANGINOON, ganito ang sasabihin ninyo sa kanya, Ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng Israel: Tungkol sa mga salitang iyong narinig, sapagkat ang iyong puso ay nagsisisi, at ikaw ay nagpakumbaba sa harapan ng Diyos nang iyong marinig ang kanyang mga salita laban sa dakong ito, at sa mga mamamayan nito, at ikaw ay nagpakumbaba sa harapan ko, at pinunit mo ang iyong suot, at umiyak sa harapan ko; dininig din kita, sabi ng PANGINOON. Ilalakip kita sa iyong mga ninuno, at ikaw ay mapapalakip na payapa sa iyong libingan. Hindi makikita ng iyong mga mata ang lahat ng kasamaang aking dadalhin sa lugar na ito at sa mamamayan nito.' " At kanilang dinala ang mensahe sa hari. Nang magkagayo'y nagsugo ang hari at tinipon ang lahat ng matatanda sa Juda at sa Jerusalem. Umakyat ang hari sa bahay ng PANGINOON, kasama ang lahat ng mamamayan ng Juda at Jerusalem, ang mga pari at mga Levita, at lahat ng mga tao, maging dakila at hamak. Kanyang binasa sa kanilang mga pandinig ang lahat ng salita ng aklat ng tipan na natagpuan sa bahay ng PANGINOON. Ang hari ay tumayo sa kanyang lugar at nakipagtipan sa harapan ng PANGINOON, upang lumakad nang ayon sa PANGINOON at ingatan ang kanyang mga utos, mga patotoo, at mga tuntunin, ng kanyang buong puso at kaluluwa, upang isagawa ang mga salita ng tipan na nasusulat sa aklat na ito. Kanyang pinanumpa rito ang lahat ng nasa Jerusalem at Benjamin. At ginawa ng mga naninirahan sa Jerusalem ang ayon sa tipan ng Diyos ng kanilang mga ninuno. At inalis ni Josias ang lahat ng karumaldumal sa lahat ng lupaing pag-aari ng mga anak ni Israel, at ang lahat ng nasa Israel ay pinapaglingkod sa PANGINOON nilang Diyos. Sa lahat ng kanyang mga araw ay hindi sila humiwalay sa pagsunod sa PANGINOONG Diyos ng kanilang mga ninuno. Nagdiwang si Josias sa Jerusalem ng isang paskuwa sa PANGINOON; at kanilang kinatay ang kordero ng paskuwa sa ikalabing-apat na araw ng unang buwan. Kanyang hinirang ang mga pari sa kanilang mga katungkulan at pinasigla sila sa paglilingkod sa bahay ng PANGINOON. At sinabi niya sa mga Levita na nagturo sa buong Israel, na mga banal sa PANGINOON, "Ilagay ninyo ang banal na kaban sa bahay na itinayo ni Solomon, na anak ni David, na hari ng Israel. Hindi na ninyo kailangan pang pasanin iyon sa inyong mga balikat. Maglingkod kayo ngayon sa PANGINOON ninyong Diyos at sa kanyang bayang Israel. Ihanda ninyo ang inyong mga sarili ayon sa mga sambahayan ng inyong mga ninuno, ayon sa inyong mga pangkat, alinsunod sa nakasulat na tagubilin ni David na hari ng Israel at sa nakasulat na tagubilin ni Solomon na kanyang anak. Tumayo kayo sa dakong banal ayon sa mga pangkat ng mga sambahayan ng mga ninuno ng inyong mga kapatid na mga anak ng bayan, at magkaroon ang bawat isa ng isang bahagi ng sambahayan ng mga ninuno ng mga Levita. Katayin ninyo ang kordero ng paskuwa, at magpakabanal kayo, at ihanda ninyo para sa inyong mga kapatid, upang gawin ang ayon sa salita ng PANGINOON sa pamamagitan ni Moises." At si Josias ay nagkaloob sa mga taong-bayan, bilang mga handog sa paskuwa para sa lahat ng naroroon, ng mga kordero at ng mga anak ng kambing mula sa kawan, na ang bilang niyon ay tatlumpung libo at tatlong libong toro; ang mga ito'y mula sa mga ari-arian ng hari. Ang kanyang mga pinuno ay kusang-loob na nagbigay sa taong-bayan, sa mga pari, at sa mga Levita. Sina Hilkias, Zacarias, at Jeiel, na mga pinuno sa bahay ng Diyos, ay nagbigay sa mga pari ng mga handog sa paskuwa ng dalawang libo at animnaraang tupa at mga kambing at tatlongdaang toro. Gayundin sina Conanias, Shemaya, si Natanael na kanyang mga kapatid, at si Hashabias, Jeiel, at Josabad, na mga pinuno ng mga Levita, ay nagbigay sa mga Levita ng mga handog sa paskuwa ng limang libong tupa at kambing, at limang daang toro. Nang nakapaghanda na para sa paglilingkod, ang mga pari ay nagsitayo sa kanilang lugar, at ang mga Levita ayon sa kanilang mga pangkat ayon sa utos ng hari. Kanilang kinatay ang kordero ng paskuwa, at iwinisik ng mga pari ang dugo na kanilang tinanggap mula sa kanila samantalang binabalatan ng mga Levita ang mga hayop. At kanilang ibinukod ang mga handog na sinusunog, upang kanilang maipamahagi ang mga iyon ayon sa mga pangkat ng mga sambahayan ng mga ninuno ng taong-bayan, upang ihandog sa PANGINOON, gaya ng nakasulat sa aklat ni Moises. At gayundin ang ginawa nila sa mga toro. Kanilang inihaw ang kordero ng paskuwa sa apoy ayon sa batas; at ang mga banal na handog ay kanilang nilaga sa mga palayok, sa mga kaldero, at sa mga kawali, at mabilis na dinala sa lahat ng taong-bayan. Pagkatapos ay naghanda sila para sa kanilang sarili at sa mga pari; sapagkat ang mga pari na mga anak ni Aaron ay abala sa paghahandog ng mga handog na sinusunog at ng taba hanggang sa kinagabihan. Kaya't ang mga Levita ay naghanda para sa kanilang sarili at sa mga pari na mga anak ni Aaron. Ang mga mang-aawit na mga anak ni Asaf ay nasa kanilang lugar, ayon sa utos nina David, Asaf, Heman, at ni Jedutun na propeta ng hari. Ang mga bantay-pinto ay nasa bawat pintuan. Hindi na sila kailangang umalis sa kanilang paglilingkod, sapagkat ipinaghanda sila ng kanilang mga kapatid na mga Levita. Kaya't ang lahat ng paglilingkod sa PANGINOON ay naihanda nang araw na iyon, upang ipagdiwang ang paskuwa at upang mag-alay ng mga handog na sinusunog sa ibabaw ng dambana ng PANGINOON, ayon sa utos ni Haring Josias. Ang mga anak ni Israel na naroroon ay nagdiwang ng paskuwa nang panahong iyon, at ng kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa sa loob ng pitong araw. Walang paskuwa na gaya nito ang ipinagdiwang sa Israel mula sa mga araw ni propeta Samuel. Walang sinuman sa mga hari ng Israel ang nagdiwang ng gayong paskuwa na gaya ng ipinagdiwang ni Josias, ng mga pari, ng mga Levita, ng buong Juda at Israel na naroroon, at ng mga naninirahan sa Jerusalem. Nang ikalabingwalong taon ng paghahari ni Josias ipinagdiwang ang paskuwang ito. Pagkatapos ng lahat ng ito, nang maihanda ni Josias ang templo, si Neco na hari ng Ehipto ay umahon upang makipaglaban sa Carquemis sa Eufrates at si Josias ay lumabas laban sa kanya. Ngunit siya'y nagsugo ng mga sugo sa kanya, na ipinasasabi, "Anong pakialam natin sa isa't isa, ikaw na hari ng Juda? Ako'y hindi dumarating laban sa iyo sa araw na ito, kundi laban sa sambahayan na aking dinidigma, at iniutos sa akin ng Diyos na ako'y magmadali. Tumigil ka sa pagsalungat sa Diyos na siyang kasama ko, baka puksain ka niya." Gayunma'y ayaw siyang iwan ni Josias, sa halip ay nagbalatkayo siya upang labanan siya. Hindi siya nakinig sa mga salita ni Neco na mula sa bibig ng Diyos, kundi sumamang nakipaglaban sa kapatagan ng Megido. Pinana ng mga mamamana si Haring Josias: at sinabi ng hari sa kanyang mga lingkod, "Ilabas ninyo ako; sapagkat ako'y malubhang nasugatan." Kaya't inalis siya ng kanyang mga lingkod sa karwahe at dinala siya sa kanyang ikalawang karwahe at dinala siya sa Jerusalem. Siya'y namatay at inilibing sa mga libingan ng kanyang mga ninuno. Ang buong Juda at Jerusalem ay tumangis kay Josias. Iniyakan din ni Jeremias si Josias; at ang lahat ng mang-aawit na lalaki at babae ay nagsalita tungkol kay Josias sa kanilang mga panaghoy hanggang sa araw na ito. Ginawa nila itong isang tuntunin sa Israel at ang mga ito ay nakasulat sa Mga Panaghoy. Ang iba pa sa mga ginawa ni Josias at ang kanyang mabubuting gawa, ayon sa nakasulat sa kautusan ng PANGINOON, at ang kanyang mga gawa, ang una at huli ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Israel at Juda. Kinuha ng mga tao ng lupain si Jehoahaz na anak ni Josias at ginawa siyang hari na kapalit ng kanyang ama sa Jerusalem. Si Jehoahaz ay dalawampu't tatlong taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari ng tatlong buwan sa Jerusalem. Pagkatapos ay pinaalis siya sa Jerusalem ng hari ng Ehipto at pinagbuwis ang lupain ng isandaang talentong pilak at ng isang talentong ginto. At ginawa ng hari ng Ehipto bilang hari sa Juda si Eliakim na kanyang kapatid, at pinalitan ang kanyang pangalan ng Jehoiakim; ngunit kinuha ni Neco si Jehoahaz na kanyang kapatid, at kanyang dinala siya sa Ehipto. Si Jehoiakim ay dalawampu't limang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari at siya'y naghari ng labing-isang taon sa Jerusalem. Kanyang ginawa ang masama sa paningin ng PANGINOON niyang Diyos. Laban sa kanya ay umahon si Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at ginapos siya ng tanikala, upang dalhin siya sa Babilonia. Dinala rin ni Nebukadnezar ang ilan sa mga kagamitan sa bahay ng PANGINOON sa Babilonia at inilagay ang mga iyon sa kanyang palasyo sa Babilonia. Ang iba pa sa mga gawa ni Jehoiakim, at ang mga karumaldumal na kanyang ginawa, at ang natagpuan laban sa kanya ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Israel at Juda. At si Jehoiakin na kanyang anak ay naghari na kapalit niya. Si Jehoiakin ay walong taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari ng tatlong buwan at sampung araw sa Jerusalem. At kanyang ginawa ang masama sa paningin ng PANGINOON. Sa tagsibol ng taon, si Nebukadnezar ay nagsugo at dinala siya sa Babilonia, pati ang mahahalagang kagamitan sa bahay ng PANGINOON at si Zedekias na kanyang kapatid ay ginawang hari ng Juda at Jerusalem. Si Zedekias ay dalawampu't isang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari ng labing-isang taon sa Jerusalem. Kanyang ginawa ang masama sa paningin ng PANGINOON niyang Diyos; siya'y hindi nagpakababa sa harapan ni propeta Jeremias na nagsalita mula sa bibig ng PANGINOON. Naghimagsik din siya laban kay Haring Nebukadnezar, na siyang nagpasumpa sa kanya sa pangalan ng Diyos, ngunit pinapagmatigas niya ang kanyang leeg at pinapagmatigas niya ang kanyang puso laban sa panunumbalik sa PANGINOON, ang Diyos ng Israel. Bukod dito'y lahat ng mga namumunong pari at ang taong-bayan ay gumawa ng maraming paglabag at sumusunod sa lahat ng karumaldumal ng mga bansa. Kanilang dinumihan ang bahay ng PANGINOON na kanyang itinalaga sa Jerusalem. At ang PANGINOON, ang Diyos ng kanilang mga ninuno ay paulit-ulit na nagsugo sa kanila sa pamamagitan ng kanyang mga sugo, sapagkat siya'y may habag sa kanyang bayan, at sa kanyang tahanang dako. Ngunit patuloy nilang tinuya ang mga sugo ng Diyos, hinahamak ang kanyang mga salita, at nililibak ang kanyang mga propeta, hanggang sa ang poot ng PANGINOON ay tumindi laban sa kanyang bayan, hanggang sa wala nang lunas. Kaya't dinala niya sa kanila ang hari ng mga Caldeo, na siyang pumatay sa kanilang mga kabataang lalaki sa pamamagitan ng tabak sa bahay ng kanilang santuwaryo, at hindi naawa sa binata o sa dalaga, sa matanda o sa may uban. Kanyang ibinigay silang lahat sa kanyang kamay. Lahat ng mga kagamitan sa bahay ng Diyos, malaki at maliit, ang mga kayamanan sa bahay ng PANGINOON, at ang mga kayamanan ng hari at ng kanyang mga pinuno ay dinala niyang lahat sa Babilonia. At sinunog nila ang bahay ng Diyos, at giniba ang pader ng Jerusalem, at sinunog sa apoy ang lahat ng mga palasyo nito at sinira ang lahat ng mahahalagang sisidlan nito. Kanyang dinalang-bihag sa Babilonia ang mga nakatakas sa tabak, at sila'y naging alipin niya at ng kanyang mga anak hanggang sa pagkatatag ng kaharian ng Persia, upang matupad ang salita ng PANGINOON sa pamamagitan ng bibig ni Jeremias, hanggang sa matamasa ng lupain ang mga Sabbath nito. Sa lahat ng mga araw na ito ay naiwang wasak, ito ay nangilin ng Sabbath, upang ganapin ang pitumpung taon. Sa unang taon ni Ciro na hari ng Persia, upang ang salita ng PANGINOON sa pamamagitan ng bibig ni Jeremias ay maganap, kinilos ng PANGINOON ang espiritu ni Ciro na hari ng Persia, kaya't siya'y nagpahayag sa kanyang buong kaharian, at ito ay kanya ring isinulat. "Ganito ang sabi ni Ciro na hari ng Persia, 'Lahat ng kaharian sa lupa ay ibinigay sa akin ng PANGINOON, ang Diyos ng langit. Kanyang inatasan ako na ipagtayo siya ng isang bahay sa Jerusalem, na nasa Juda. Sinuman sa inyo ang kabilang sa kanyang buong bayan, sumakanya nawa ang PANGINOON niyang Diyos! Hayaan siyang umahon.'" Nang unang taon ni Ciro na hari ng Persia, upang ang salita ng PANGINOON sa pamamagitan ng bibig ni Jeremias ay maganap, kinilos ng PANGINOON ang espiritu ni Ciro na hari ng Persia, kaya't siya'y gumawa ng pahayag sa kanyang buong kaharian, at isinulat din ito: Ganito ang sabi ni Ciro na hari ng Persia, "Ibinigay sa akin ng PANGINOON, na Diyos ng langit, ang lahat ng kaharian sa lupa, at inatasan niya ako na ipagtayo ko siya ng isang bahay sa Jerusalem na nasa Juda. Sinuman sa inyo ang kabilang sa kanyang buong bayan, nawa'y sumakanya ang kanyang Diyos, at pumunta siya sa Jerusalem na nasa Juda, at muling itayo ang bahay ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel, siya ang Diyos na nasa Jerusalem. At sinumang naiwan, saanmang lugar siya nakikipamayan, ay tulungan siya ng mga lalaki sa kanyang kinaroroonan sa pamamagitan ng pilak at ginto, ng mga kagamitan, at ng mga hayop, bukod sa mga kusang-loob na handog para sa bahay ng Diyos na nasa Jerusalem." Nang magkagayo'y tumindig ang mga puno ng mga sambahayan ng Juda at Benjamin, at ang mga pari at mga Levita, bawat isa na ang diwa'y kinilos ng Diyos upang pumunta at muling itayo ang bahay ng PANGINOON na nasa Jerusalem. Lahat ng nasa palibot nila ay tumulong sa kanila sa pamamagitan ng mga kagamitang pilak at ginto, mga ari-arian, mga hayop, at ng mga mamahaling gamit, bukod pa sa lahat ng kusang-loob na inihandog. Inilabas din ni Haring Ciro ang mga kagamitan sa bahay ng PANGINOON na tinangay ni Nebukadnezar mula sa Jerusalem at inilagay sa bahay ng kanyang mga diyos. Ang mga ito ay inilabas ni Ciro na hari ng Persia sa pamamagitan ni Mitridates na ingat-yaman, na siyang bumilang nito kay Shesbazar, na pinuno ng Juda. Ito ang bilang ng mga iyon: tatlumpung palangganang ginto, isang libong palangganang pilak, dalawampu't siyam na suuban ng insenso, tatlumpung mangkok na ginto, apatnaraan at sampung iba pang mangkok na pilak, at isang libong iba pang mga kagamitan; lahat ng kagamitang ginto at pilak ay limang libo at apatnaraan. Ang lahat ng mga ito ay ipinakuha ni Shesbazar, nang ang mga bihag ay dalhin mula sa Babilonia patungo sa Jerusalem. Ngayon ito ang mga mamamayan ng lalawigan na dumating mula sa mga bihag na dinala sa Babilonia ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia. Sila'y bumalik sa Jerusalem at sa Juda, ang bawat isa'y sa kanyang sariling bayan. Sila'y dumating na kasama nina Zerubabel, Jeshua, Nehemias, Seraya, Reelias, Mordecai, Bilsan, Mispar, Bigvai, Rehum, at Baana. Ang bilang ng mga lalaki ng sambayanang Israel ay ito: ang mga anak ni Paros, dalawang libo isandaan at pitumpu't dalawa. Ang mga anak ni Shefatias, tatlong daan at pitumpu't dalawa. Ang mga anak ni Arah, pitong daan at pitumpu't lima. Ang mga anak ni Pahatmoab, na ito ay mga anak ni Jeshua at Joab, dalawang libo walong daan at labindalawa. Ang mga anak ni Elam, isang libo dalawandaan at limampu't apat. Ang mga anak ni Zatu, siyamnaraan at apatnapu't lima. Ang mga anak ni Zacai, pitong daan at animnapu. Ang mga anak ni Bani, animnaraan at apatnapu't dalawa. Ang mga anak ni Bebai, animnaraan at dalawampu't tatlo. Ang mga anak ni Azgad, isang libo dalawandaan at dalawampu't dalawa. Ang mga anak ni Adonikam, animnaraan at animnapu't anim. Ang mga anak ni Bigvai, dalawang libo at limampu't anim. Ang mga anak ni Adin, apatnaraan at limampu't apat. Ang mga anak ni Ater, samakatuwid ay si Hezekias, siyamnapu't walo. Ang mga anak ni Besai, tatlong daan at dalawampu't tatlo. Ang mga anak ni Jora, isandaan at labindalawa. Ang mga anak ni Hasum ay dalawandaan at dalawampu't tatlo. Ang mga anak ni Gibar siyamnapu't lima. Ang mga anak ng Bethlehem, isandaan at dalawampu't tatlo. Ang mga kalalakihan ng Netofa, limampu't anim. Ang mga kalalakihan ng Anatot, isandaan at dalawampu't walo. Ang mga anak ni Azmavet, apatnapu't dalawa. Ang mga anak ng Kiryat-jarim, Cefira, at ng Beerot, pitong daan at apatnapu't tatlo. Ang mga anak ng Rama at ng Geba, animnaraan at dalawampu't isa. Ang mga kalalakihan ng Mikmas, isandaan at dalawampu't dalawa. Ang mga kalalakihan ng Bethel at ng Ai, dalawandaan at dalawampu't tatlo. Ang mga anak ng Nebo, limampu't dalawa. Ang mga anak ng Magbis, isandaan at limampu't anim. Ang mga anak ng isa pang Elam, isang libo dalawandaan at limampu't apat. Ang mga anak ni Harim, tatlong daan at dalawampu. Ang mga anak ng Lod, Hadid, at Ono, pitong daan at dalawampu't lima. Ang mga anak ng Jerico, tatlong daan at apatnapu't lima. Ang mga anak ni Senaa, tatlong libo animnaraan at tatlumpu. Ang mga pari: ang mga anak ni Jedias, sa sambahayan ni Jeshua, siyamnaraan at pitumpu't tatlo. Ang mga anak ni Imer, isang libo at limampu't dalawa. Ang mga anak ni Pashur, isang libo dalawandaan at apatnapu't pito. Ang mga anak ni Harim, isang libo at labimpito. Ang mga Levita: ang mga anak nina Jeshua at Cadmiel, sa mga anak ni Hodavias, pitumpu't apat. Ang mga mang-aawit: ang mga anak ni Asaf, isandaan at dalawampu't walo. Ang mga anak ng mga bantay-pinto: ang mga anak ni Shallum, ang mga anak ni Ater, ang mga anak ni Talmon, ang mga anak ni Akub, ang mga anak ni Hatita, at ang mga anak ni Sobai, ang lahat ay isandaan at tatlumpu't siyam. Ang mga. lingkod sa templo: ang mga anak ni Ziha, ang mga anak ni Hasufa, ang mga anak ni Tabaot, ang mga anak ni Keros, ang mga anak ni Siaha, ang mga anak ni Padon; ang mga anak ni Lebana, ang mga anak ni Hagaba, ang mga anak ni Akub; ang mga anak ni Hagab, ang mga anak ni Samlai, ang mga anak ni Hanan; ang mga anak ni Giddel, ang mga anak ni Gahar, ang mga anak ni Reaya; ang mga anak ni Rezin, ang mga anak ni Nekoda, ang mga anak ni Gazam; ang mga anak ni Uza, ang mga anak ni Pasea, ang mga anak ni Besai; ang mga anak ni Asnah, ang mga anak ng Meunim, ang mga anak ng Nefusim; ang mga anak ni Bacbuc, ang mga anak ni Hacufa, ang mga anak ni Harhur; ang mga anak ni Bazlut, ang mga anak ni Mehida, ang mga anak ni Harsa; ang mga anak ni Barkos, ang mga anak ni Sisera, ang mga anak ni Tema; ang mga anak ni Nesia, at ang mga anak ni Hatifa. Ang mga anak ng mga lingkod ni Solomon ay: ang mga anak ni Sotai, ang mga anak ni Soferet, ang mga anak ni Peruda; ang mga anak ni Jaala, ang mga anak ni Darkon, ang mga anak ni Giddel; ang mga anak ni Shefatias, ang mga anak ni Hattil, ang mga anak ni Pochereth-hazzebaim, at ang mga anak ni Ami. Lahat ng mga lingkod sa templo at ang mga anak ng mga lingkod ni Solomon ay tatlong daan at siyamnapu't dalawa. At ang mga sumusunod ang mga pumunta mula sa Telmelah, Telharsa, Kerub, Adan, at Imer, bagaman hindi nila mapatunayan ang mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, o ang kanilang pinagmulang lahi, kung sila'y kabilang sa Israel: ang mga anak ni Delaia, ang mga anak ni Tobias, ang mga anak ni Nekoda, animnaraan at limampu't dalawa. Gayundin sa mga anak ng mga pari: ang mga anak ni Habaias, ang mga anak ni Hakoz, at ang mga anak ni Barzilai, na nag-asawa sa mga anak ni Barzilai na taga-Gilead, at tinawag ayon sa kanilang pangalan. Hinanap ng mga ito ang kanilang mga pangalan ayon sa talaan ng kanilang salinlahi, ngunit ang mga iyon ay hindi natagpuan doon. Kaya't sila'y ibinilang na marurumi at inalis sa pagkapari. Sinabi sa kanila ng tagapamahala na sila'y huwag kakain ng kabanal-banalang pagkain, hanggang sa magkaroon ng isang pari na sasangguni sa Urim at Tumim. Ang buong kapulungan ay apatnapu't dalawang libo tatlong daan at animnapu, bukod sa kanilang mga aliping lalaki at babae, na may pitong libo tatlong daan at tatlumpu't pito, at sila'y mayroong dalawandaang mang-aawit na lalaki at babae. Ang kanilang mga kabayo ay pitong daan at tatlumpu't anim; ang kanilang mga mola ay dalawandaan at apatnapu't lima; ang kanilang mga kamelyo ay apatnaraan at tatlumpu't lima; ang kanilang mga asno ay anim na libo pitong daan at dalawampu. At ang ilan sa mga puno ng mga sambahayan, nang sila'y dumating sa bahay ng PANGINOON na nasa Jerusalem, ay nag-alay ng kusang-loob na handog para sa bahay ng Diyos, upang ito ay itayo sa lugar nito. Ayon sa kanilang kakayahan, sila ay nagbigay sa kabang-yaman ng gawain, ng animnapu't isang libong darikong ginto, limang libong librang pilak, at isandaang kasuotan ng mga pari. Ang mga pari, mga Levita, at ang ilan sa taong-bayan ay nanirahan sa Jerusalem at sa paligid, at ang mga mang-aawit, mga bantay-pinto, at ang mga lingkod sa templo ay nanirahan sa kanilang mga bayan, at ang buong Israel ay sa kanilang mga bayan. Nang sumapit ang ikapitong buwan, at ang mga anak ni Israel ay nasa mga bayan, ang taong-bayan ay nagtipun-tipon na parang isang tao sa Jerusalem. Nang magkagayo'y tumayo si Jeshua na anak ni Jozadak, at ang kanyang mga kapatid na mga pari, at si Zerubabel na anak ni Shealtiel at ang kanyang mga kamag-anak, at itinayo nila ang dambana ng Diyos ng Israel upang pag-alayan ng mga handog na sinusunog, gaya ng nasusulat sa kautusan ni Moises, na tao ng Diyos. Inilagay nila ang dambana sa lugar nito, sapagkat sila ay natatakot sa mga tao ng mga lupain, at sila'y nag-alay sa ibabaw nito ng mga handog na sinusunog sa PANGINOON, mga handog na sinusunog sa umaga at hapon. Kanilang ipinagdiwang ang kapistahan ng mga kubol. gaya ng nasusulat, at nag-alay ng pang-araw-araw na mga handog na sinusunog sa tamang bilang, ayon sa itinakda sa bawat araw, pagkatapos niyon ay ang patuloy na handog na sinusunog, at mga handog sa mga bagong buwan at sa lahat ng takdang kapistahan sa PANGINOON, at ang handog ng bawat isa na gumawa ng kusang-loob na handog sa PANGINOON. Mula sa unang araw ng ikapitong buwan, sila ay nagsimulang mag-alay ng mga handog na sinusunog sa PANGINOON. Ngunit ang pundasyon ng templo ng PANGINOON ay hindi pa nailalagay. Kaya't sila'y nagbigay ng salapi sa mga kantero at sa mga karpintero; at ng pagkain, inumin, at langis sa mga taga-Sidon at sa mga taga-Tiro upang magdala ng mga kahoy na sedro mula sa Lebanon patungo sa dagat, hanggang sa Joppa, ayon sa pahintulot na tinanggap nila buhat kay Ciro na hari ng Persia. Nang ikalawang taon ng kanilang pagdating sa bahay ng Diyos sa Jerusalem, sa ikalawang buwan, sina Zerubabel na anak ni Shealtiel at si Jeshua na anak ni Jozadak ay nagpasimulang maglingkod, kasama ang iba pa nilang mga kapatid, ang mga pari at mga Levita at silang lahat na dumating sa Jerusalem mula sa pagkabihag. Kanilang hinirang ang mga Levita, mula sa dalawampung taong gulang pataas, upang mamahala sa gawain sa bahay ng PANGINOON. Si Jeshua at ang kanyang mga anak at mga kamag-anak, si Cadmiel pati ang kanyang mga anak na lalaki, at ang mga anak ni Juda, ay magkasamang namahala sa mga manggagawa sa bahay ng Diyos, kasama ng mga anak ni Henadad at ng mga Levita, at ng kanilang mga anak at mga kamag-anak. Nang ilagay ng mga manggagawa ang pundasyon ng templo ng PANGINOON, ang mga pari sa kanilang kasuotan ay lumapit na may mga trumpeta, at ang mga Levita, ang mga anak ni Asaf na may mga pompiyang, upang magpuri sa PANGINOON; ayon sa mga tagubilin ni David na hari ng Israel. At sila'y nag-awitan sa isa't isa na pinupuri at pinapasalamatan ang PANGINOON, "Sapagkat siya'y mabuti, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman sa Israel." Ang buong bayan ay sumigaw nang malakas nang kanilang purihin ang PANGINOON, sapagkat ang pundasyon ng bahay ng PANGINOON ay nailagay na. Ngunit marami sa mga pari at mga Levita, at sa mga puno ng mga sambahayan, na mga matatandang nakakita sa unang bahay nang ito ay itayo, ang umiyak nang malakas nang kanilang nakita ang bahay, bagaman marami ang sumigaw ng malakas dahil sa kagalakan. Dahil dito, hindi makilala ng taong-bayan ang kaibahan ng ingay ng sigaw ng kagalakan sa ingay ng iyak ng bayan, sapagkat ang taong-bayan ay sumigaw nang malakas, at ang ingay ay narinig sa malayo. Nang mabalitaan ng mga kaaway ng Juda at Benjamin na ang mga bumalik na bihag ay nagtatayo ng templo para sa PANGINOONG Diyos ng Israel, lumapit sila kay Zerubabel at sa mga puno ng mga sambahayan at sinabi sa kanila, "Isama ninyo kami sa inyong pagtatayo, sapagkat sinasamba namin ang inyong Diyos na gaya ng inyong ginagawa; at kami ay naghahandog sa kanya mula ng mga araw ni Esarhadon na hari ng Asiria na siyang nagdala sa amin dito." Ngunit sinabi sa kanila nina Zerubabel, Jeshua, at ng iba pa sa mga puno ng mga sambahayan ng Israel, "Kayo'y walang pakialam sa amin sa pagtatayo ng isang bahay para sa aming Diyos; kundi kami lamang ang magtatayo para sa PANGINOON, ang Diyos ng Israel, gaya ng iniutos sa amin ni Ciro na hari ng Persia." Nang magkagayo'y pinanlupaypay ng mga tao ng lupain ang taong-bayan ng Juda, at tinakot silang magtayo. Umupa sila ng mga tagapayo laban sa kanila upang biguin ang kanilang layunin, sa lahat ng mga araw ni Ciro na hari ng Persia, maging hanggang sa paghahari ni Dario na hari ng Persia. Sa paghahari ni Artaxerxes, sumulat sila ng isang bintang laban sa mga mamamayan ng Juda at Jerusalem. At sa mga araw ni Artaxerxes, sumulat sina Bislam, Mitridates, Tabeel at ang iba pa sa kanilang mga kasama kay Artaxerxes na hari ng Persia. Ang liham ay nakasulat sa Aramaico at isinalin. Si Rehum na punong kawal at si Simsai na eskriba ay sumulat ng ganito kay Artaxerxes na hari laban sa Jerusalem. Nang magkagayo'y sumulat sina Rehum na punong kawal, si Simsai na eskriba, at ang iba pa nilang mga kasamahan, ang mga hukom, mga tagapamahala, mga pinuno, mga taga-Persia, mga lalaki ng Erec, mga taga-Babilonia, mga lalaki ng Susa, na ito'y mga Elamita, at ang iba pang mga bansa na ipinatapon ng dakila at marangal na si Osnapar, at pinatira sa mga lunsod ng Samaria at sa iba pang lalawigan sa kabila ng Ilog, — at ngayon ito ang sipi ng sulat na kanilang ipinadala, "Sa Haring Artaxerxes: Ang iyong mga lingkod, ang mga lalaki sa lalawigan sa kabila ng Ilog ay bumabati. At ngayon, dapat malaman ng hari na ang mga Judio na umahong galing sa iyo patungo sa amin ay nagpunta sa Jerusalem. Kanilang muling itinatayo ang mapaghimagsik at masamang lunsod na iyon, tinatapos nila ang mga pader, at kinukumpuni ang mga pundasyon. Dapat malaman ngayon ng hari na kapag ang lunsod na ito ay muling naitayo at ang mga pader ay natapos, sila'y hindi magbabayad ng buwis, buwis sa kalakal, o upa, at ang kikitain ng kaharian ay hihina. Ngayon, sapagkat kami ay nakikibahagi ng asin ng palasyo, at hindi marapat sa amin na makita ang ikasisirang-puri ng hari, kaya't kami ay nagsugo at ipinaaalam sa hari, upang maisagawa ang isang pagsusuri sa aklat ng mga talaan ng iyong mga magulang. Matatagpuan mo sa aklat ng mga talaan at malalaman na ang lunsod na ito ay isang mapaghimagsik na lunsod, nakakasira sa mga hari at mga lalawigan, at nagkaroon ng pag-aalsa roon noong unang panahon. Iyon ang dahilan kung bakit ang lunsod na ito ay giniba. Ipinaaalam namin sa hari, na kapag ang lunsod na ito ay muling naitayo, at ang mga pader ay natapos, hindi ka na magkakaroon pa ng pag-aari sa lalawigan sa kabila ng ilog." Nagpadala ng sagot ang hari: "Kay Rehum na punong kawal, at kay Simsai na eskriba, at sa iba pa nilang mga kasamahan na nakatira sa Samaria at sa iba pang lalawigan sa kabila ng Ilog, pagbati. At ngayon, ang sulat na inyong ipinadala sa amin ay maliwanag na binasa sa harapan ko. Ako'y gumawa ng utos, at ang pagsaliksik ay naisagawa at natagpuan na ang lunsod na ito nang una ay nag-alsa laban sa mga hari, at ang paghihimagsik at panggugulo ay nagawa roon. Ang mga makapangyarihang hari ay namahala sa Jerusalem, na naghari sa buong lalawigan sa kabila ng Ilog, at sa kanila ay ibinayad ang buwis, buwis sa kalakal, at upa. Kaya't gumawa kayo ng utos upang patigilin ang mga taong ito, at upang ang lunsod na ito ay hindi muling maitayo, hanggang sa ang isang utos ay magawa ko. Kayo'y mag-ingat na huwag magpabaya sa bagay na ito; bakit kailangang lumaki ang pinsala na ikasisira ng hari?" Nang mabasa ang siping sulat ni Haring Artaxerxes sa harapan nina Rehum, ni Simsai na eskriba, at ng kanilang mga kasamahan, sila'y dali-daling pumunta sa mga Judio sa Jerusalem at pinatigil nila sa pamamagitan ng lakas at kapangyarihan. Nang magkagayo'y natigil ang paggawa sa bahay ng Diyos na nasa Jerusalem; at ito ay napatigil hanggang sa ikalawang taon ng paghahari ni Dario na hari ng Persia. Noon, ang mga propetang sina Hagai at Zacarias na anak ni Iddo ay nagsalita ng propesiya sa mga Judio na nasa Juda at Jerusalem, sa pangalan ng Diyos ng Israel na namumuno sa kanila. Nang magkagayo'y tumindig si Zerubabel na anak ni Shealtiel, at si Jeshua na anak ni Jozadak, at sinimulang itayong muli ang bahay ng Diyos na nasa Jerusalem; at kasama nila ang mga propeta ng Diyos na tumulong sa kanila. Nang panahon ding iyon ay pumunta sa kanila si Tatenai na tagapamahala sa lalawigan sa kabila ng Ilog, at si Setarboznai at ang kanilang mga kasama, at sinabi sa kanila ang ganito, "Sino ang nagbigay sa inyo ng utos upang itayo ang bahay na ito?" Kanilang tinanong din sila ng ganito, "Anu-ano ang mga pangalan ng mga taong gumagawa ng bahay na ito?" Ngunit ang mata ng kanilang Diyos ay nakatingin sa matatanda ng mga Judio, at sila'y hindi nila napatigil hanggang sa ang isang ulat ay makarating kay Dario at ang sagot ay maibalik sa pamamagitan ng sulat tungkol doon. Ang sipi ng sulat na ipinadala ni Tatenai, na tagapamahala ng lalawigan sa kabila ng Ilog at ni Setarboznai, at ng kanyang mga kasamang tagapamahala na nasa lalawigan sa kabila ng Ilog kay Haring Dario; sila'y nagpadala sa kanya ng ulat na kinasusulatan ng sumusunod: "Kay Dario na hari, buong kapayapaan. Dapat malaman ng hari na kami ay pumunta sa lalawigan ng Juda, sa bahay ng dakilang Diyos. Ito'y itinatayo na may malalaking bato, at ang mga kahoy ay inilapat sa mga pader. Ang gawaing ito ay masikap na nagpatuloy at sumusulong sa kanilang mga kamay. Nang magkagayo'y tinanong namin ang matatandang iyon at sinabi sa kanila ang ganito, 'Sino ang nagbigay sa inyo ng utos upang itayo at tapusin ang gusaling ito?' Tinanong din namin sa kanila ang kanilang mga pangalan, para sa iyong kaalaman, upang aming maisulat ang mga pangalan ng mga tao na nangunguna sa kanila. Ganito ang sagot nila sa amin: 'Kami ay mga lingkod ng Diyos ng langit at lupa, at muli naming itinatayo ang bahay na itinayo, maraming taon na ang nakaraan, na itinayo at tinapos ng isang dakilang hari ng Israel. Ngunit dahil ginalit ng aming mga ninuno ang Diyos ng langit, kanyang ibinigay sila sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, na Caldeo, na siyang gumiba ng bahay na ito, at dinala ang mga mamamayan sa Babilonia. Ngunit sa unang taon ni Ciro na hari ng Babilonia, gumawa ng utos si Haring Ciro na muling itayo ang bahay na ito ng Diyos. At ang mga kagamitang ginto at pilak sa bahay ng Diyos na inilabas ni Nebukadnezar sa templo na nasa Jerusalem, at dinala sa loob ng templo ng Babilonia, ay inilabas sa templo ng Babilonia ni Haring Ciro at ibinigay sa isang ang pangalan ay Shesbazar, na siya niyang ginawang tagapamahala. At sinabi ng hari sa kanya, "Kunin mo ang mga kagamitang ito, humayo ka at ilagay mo sa templo na nasa Jerusalem, at hayaan mong itayong muli ang bahay ng Diyos sa lugar nito." Pagkatapos ay dumating ang Shesbazar na iyon, at inilagay ang mga pundasyon ng bahay ng Diyos na nasa Jerusalem. Mula sa panahong iyon hanggang ngayon ay itinatayo ito, ngunit hindi pa ito tapos. Dahil dito, kung inaakalang mabuti ng hari, magsagawa nga ng pagsasaliksik sa aklatan ng kaharian na nasa Babilonia, upang makita kung mayroong utos na pinalabas si Haring Ciro na muling itayo ang bahay na ito ng Diyos sa Jerusalem. At ipasabi sa amin ng hari ang kanyang pasiya tungkol sa bagay na ito." Nang magkagayo'y nag-utos si Haring Dario, at gumawa ng pagsasaliksik sa Babilonia, sa bahay ng mga aklat na kinalalagyan ng mga kasulatan. Sa Ecbatana sa palasyong nasa lalawigan ng Media, isang balumbon ang natagpuan na doo'y nakasulat ang ganito: "Isang tala. Nang unang taon ni Haring Ciro, si Haring Ciro ay nagbigay ng utos: Tungkol sa bahay ng Diyos sa Jerusalem, hayaang muling maitayo ang bahay, ang lugar na kanilang pinag-aalayan ng mga handog at dinadala ang handog na sinusunog. Ang taas nito ay magiging animnapung siko, at ang luwang nito'y animnapung siko, na may tatlong hanay ng malalaking bato at isang hanay ng kahoy; at ang magugugol ay babayaran mula sa kabangyaman ng kaharian. Gayundin, ang mga kagamitang ginto at pilak ng bahay ng Diyos na inilabas ni Nebukadnezar sa templo na nasa Jerusalem, at dinala sa Babilonia, ay isauli at ibalik sa templo na nasa Jerusalem, bawat isa'y sa kanyang lugar, at ilagay mo ang mga iyon sa bahay ng Diyos." "Kaya't ngayon, Tatenai, na tagapamahala ng lalawigan sa kabila ng Ilog, Setarboznai, at ang inyong mga kasamang tagapamahala na nasa mga lalawigan sa kabila ng Ilog, lumayo kayo. Hayaan ninyo ang gawain sa bahay na ito ng Diyos; hayaan ninyong muling itayo ng tagapamahala ng mga Judio at ng matatanda ng mga Judio ang bahay na ito ng Diyos sa lugar nito. Bukod dito'y gumagawa ako ng utos kung ano ang inyong gagawin sa matatandang ito ng mga Judio para sa muling pagtatayo ng bahay na ito ng Diyos. Ang magugugol ay ibigay ng buo sa mga taong ito at walang pagkaantala mula sa kinita ng kaharian, mula sa buwis ng lalawigan sa kabila ng Ilog. At anumang kailangan — mga batang toro, mga tupa, o mga kordero para sa mga handog na sinusunog para sa Diyos ng langit, trigo, asin, alak, o langis, ayon sa kailangan ng mga pari na nasa Jerusalem, ay patuloy ninyong ibigay sa kanila araw-araw, upang sila'y makapaghandog ng mga alay na kalugud-lugod sa Diyos ng langit, at idalangin ang buhay ng hari at ng kanyang mga anak. Gayundin, ako'y gumagawa ng utos na sinumang bumago ng kautusang ito, isang biga ang huhugutin sa kanyang bahay, at siya'y tutuhugin doon, at ang kanyang bahay ay magiging tambakan ng dumi. Ang Diyos na siyang gumawa upang makapanirahan ang kanyang pangalan doon, nawa'y ibagsak ang sinumang hari o bayan na maguunat ng kanilang kamay upang ito'y baguhin, o gibain ang bahay na ito ng Diyos na nasa Jerusalem. Akong si Dario ang gumawa ng utos; ipatupad ito nang buong sikap." Pagkatapos, ayon sa salitang ipinadala ni Haring Dario, buong sikap na ginawa ni Tatenai na tagapamahala sa lalawigan sa kabila ng Ilog, ni Setarboznai, at ng kanilang mga kasama ang iniutos ni Haring Dario. Ang matatanda ng mga Judio ay nagtayo at umunlad sa pamamagitan ng ginawang propesiya ni Hagai na propeta at ni Zacarias na anak ni Iddo. Natapos nila ang pagtatayo sa utos ng Diyos ng Israel, at sa utos nina Ciro, Dario, at Artaxerxes na hari ng Persia. Ang bahay na ito ay nayari nang ikatlong araw ng buwan ng Adar, nang ikaanim na taon ng paghahari ni Haring Dario. At ang mga anak ni Israel, ang mga pari, mga Levita, at ang iba pa sa mga bumalik na bihag ay nagdiwang na may galak sa pagtatalaga ng bahay na ito ng Diyos. Sila'y naghandog sa pagtatalaga ng bahay na ito ng Diyos ng isandaang toro, dalawandaang lalaking tupa, apatnaraang kordero; at bilang handog pangkasalanan para sa buong Israel ay labindalawang kambing na lalaki, ayon sa bilang ng mga lipi ng Israel. At kanilang inilagay ang mga pari sa kani-kanilang mga pangkat, at ang mga Levita sa kanilang mga paghali-halili, para sa paglilingkod sa Diyos sa Jerusalem, gaya ng nakasulat sa aklat ni Moises. Nang ikalabing-apat na araw ng unang buwan, ang mga bumalik na bihag ay nangilin ng Paskuwa. Sapagkat ang mga pari at ang mga Levita ay magkakasamang naglinis ng kanilang sarili, silang lahat ay malilinis. Kaya't kanilang pinatay ang kordero ng Paskuwa para sa lahat ng bumalik na bihag, para sa mga kapatid nilang pari, at para sa kanilang sarili. Ito ay kinain ng mga anak ni Israel na bumalik mula sa pagkabihag, at gayundin ng bawat isa na sumama sa kanila at inihiwalay ang sarili sa karumihan ng mga bansa ng lupain upang sumamba sa PANGINOON, ang Diyos ng Israel. At kanilang isinagawa na may kagalakan ang kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa sa loob ng pitong araw. Pinasaya sila ng PANGINOON, at ikiniling sa kanila ang puso ng hari ng Asiria, kaya't kanyang tinulungan sila sa paggawa ng bahay ng Diyos, ang Diyos ng Israel. Pagkatapos ng mga bagay na ito, sa paghahari ni Artaxerxes na hari ng Persia, si Ezra na anak ni Seraya, na anak ni Azarias, na anak ni Hilkias, na anak ni Shallum, na anak ni Zadok, na anak ni Ahitub, na anak ni Amarias, na anak ni Azarias, na anak ni Meraiot, na anak ni Zeraias, na anak ni Uzi, na anak ni Buki, na anak ni Abisua, na anak ni Finehas, na anak ni Eleazar, na anak ni Aaron, na punong pari — ang Ezrang ito ay umahon mula sa Babilonia. Siya'y isang eskribang dalubhasa sa kautusan ni Moises na ibinigay ng PANGINOONG Diyos ng Israel. Ipinagkaloob sa kanya ng hari ang lahat niyang hiniling, sapagkat ang PANGINOON niyang Diyos ay kasama niya. At umahon din patungo sa Jerusalem sa ikapitong taon ni Artaxerxes na hari, ang ilan sa mga anak ni Israel, at ilan sa mga pari at mga Levita, ang mga mang-aawit at mga tanod sa pinto, at ang mga lingkod sa templo. Siya'y dumating sa Jerusalem nang ikalimang buwan, sa ikapitong taon ng hari. Sa unang araw ng unang buwan ay nagsimula siyang umahon mula sa Babilonia, at sa unang araw ng ikalimang buwan ay dumating siya sa Jerusalem, sapagkat ang mabuting kamay ng kanyang Diyos ay nasa kanya. Inilagak ni Ezra ang kanyang puso upang saliksikin ang kautusan ng PANGINOON, upang sundin ito at ituro sa Israel ang kanyang mga batas at mga tuntunin. Ito ang sipi ng sulat na ibinigay ng Haring Artaxerxes kay Ezra na pari, ang eskriba, isang marunong sa mga bagay ng mga utos ng PANGINOON at ng kanyang mga alituntunin sa Israel: "Si Artaxerxes, hari ng mga hari, kay Ezra na pari, na kalihim ng kautusan ng Diyos ng langit. At ngayon, ako'y gumagawa ng utos na sinumang kabilang sa bayan ng Israel o ang kanilang mga pari o mga Levita sa aking kaharian na nagnanais pumunta sa Jerusalem, ay maaaring sumama sa iyo. Sapagkat ikaw ay sinugo ng hari at ng kanyang pitong tagapayo upang mag-usisa tungkol sa Juda at Jerusalem ayon sa kautusan ng iyong Diyos na nasa iyong kamay, at upang dalhin din ang pilak at ginto na kusang inihandog ng hari at ng kanyang mga tagapayo sa Diyos ng Israel na ang tahanan ay nasa Jerusalem, kasama ang lahat ng pilak at ginto na iyong matatagpuan sa buong lalawigan ng Babilonia, pati ang kusang-loob na handog ng taong-bayan at ng mga pari na mga kusang-loob na ipinanata para sa bahay ng kanilang Diyos na nasa Jerusalem. Sa pamamagitan ng salaping ito, buong sikap kang bibili ng mga toro, mga lalaking tupa, mga kordero, pati ng mga handog na butil at ng mga inuming handog ng mga iyon, at ang mga iyon ay iyong ihahandog sa ibabaw ng dambana ng bahay ng inyong Diyos na nasa Jerusalem. Anumang inaakala mo at ng iyong mga kapatid na mabuting gawin sa nalabi sa pilak at ginto, maaari ninyong gawin ayon sa kalooban ng inyong Diyos. Ang mga kagamitang ibinigay sa iyo para sa paglilingkod sa bahay ng iyong Diyos ay dalhin mo sa harapan ng Diyos ng Jerusalem. Anumang kakailanganin pa sa bahay ng iyong Diyos na may pagkakataon kang magbigay, ay magbigay ka mula sa kabang-yaman ng hari. "At ako si Haring Artaxerxes, ay gumagawa ng utos para sa lahat ng ingat-yaman sa lalawigan sa kabila ng Ilog: Anumang hingin sa inyo ni Ezra na pari, na eskriba ng kautusan ng Diyos ng langit ay gawin nang buong sikap, hanggang sa isandaang talentong pilak, isandaang takal ng trigo, isandaang takal na alak, isandaang takal na langis, at asin na walang takdang dami. Anumang iniutos ng Diyos ng langit, gawin ito nang lubos para sa bahay ng Diyos ng langit; baka ang kanyang poot ay maging laban sa kaharian ng hari at ng kanyang mga anak. Ipinagbibigay alam din namin sa inyo na hindi matuwid na patawan ng buwis, buwis sa kalakal, o upa ang sinuman sa mga pari, mga Levita, mga mang-aawit, mga tanod sa pinto, mga lingkod sa templo, o ang iba pang lingkod ng bahay na ito ng Diyos. "At ikaw, Ezra, ayon sa karunungan ng iyong Diyos na taglay mo, humirang ka ng mga mahistrado at mga hukom na makakahatol sa buong bayan sa lalawigan sa kabila ng Ilog, yaong lahat na nakakaalam ng mga kautusan ng iyong Diyos; at yaong mga hindi nakakaalam niyon ay inyong turuan. Sinumang hindi susunod sa kautusan ng iyong Diyos at sa kautusan ng hari, mahigpit na igagawad sa kanya ang hatol, maging sa kamatayan o sa pagtatapon o sa pagsamsam ng kanyang mga ari-arian, o sa pagkabilanggo." Purihin ang PANGINOON, ang Diyos ng ating mga ninuno na naglagay ng ganitong bagay sa puso ng hari, upang pagandahin ang bahay ng PANGINOON na nasa Jerusalem; at nagpaabot sa akin ng kanyang tapat na pag-ibig sa harapan ng hari, at ng kanyang mga tagapayo, at sa harapan ng lahat ng mga makapangyarihang pinuno ng hari. Ako'y nagkaroon ng tapang, sapagkat ang kamay ng PANGINOON kong Diyos ay nasa akin, at tinipon ko ang mga pangunahing lalaki mula sa Israel upang pumuntang kasama ko. Ito ang mga puno ng mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, at ito ang talaan ng angkan ng mga naglakbay na kasama ko mula sa Babilonia, sa panahon ng paghahari ni Haring Artaxerxes: Sa mga anak ni Finehas, si Gershon; sa mga anak ni Itamar, si Daniel; sa mga anak ni David, si Hatus, sa mga anak ni Shecanias. Sa mga anak ni Paros, si Zacarias, na kasama niyang itinala ang isandaan at limampung lalaki. Sa mga anak ni Pahat-moab, si Eliehoenai na anak ni Zeraias, at kasama niya'y dalawandaang lalaki. Sa mga anak ni Shecanias, ang anak ni Jahaziel; at kasama niya'y tatlong daang lalaki. Sa mga anak ni Adin, si Ebed na anak ni Jonathan; at kasama niya ay limampung lalaki. Sa mga anak ni Elam, si Jeshaias na anak ni Atalia, at kasama niya'y pitumpung lalaki. Sa mga anak ni Shefatias, si Zebadias na anak ni Micael, at kasama niya'y walumpung lalaki. Sa mga anak ni Joab, si Obadias na anak ni Jehiel, at kasama niya'y dalawandaan at labing walong lalaki. Sa mga anak ni Shelomit, ang anak ni Josifias, at kasama niya'y isandaan at animnapung lalaki. Sa mga anak ni Bebai, si Zacarias na anak ni Bebai, at kasama niya ay dalawampu't walong lalaki. Sa mga anak ni Azgad, si Johanan na anak ni Hakatan, at kasama niya ay isandaan at sampung lalaki. Sa mga anak ni Adonikam, na mga huling dumating, ito ang kanilang mga pangalan: Elifelet, Jeiel, at Shemaya, at kasama nila ay animnapung lalaki. Sa mga anak ni Bigvai, sina Utai at Zacuri at kasama nila ay pitumpung lalaki. Tinipon ko sila sa ilog na umaagos patungo sa Ahava at doo'y nagkampo kami sa loob ng tatlong araw. Habang aking sinisiyasat ang taong-bayan at ang mga pari, wala akong natagpuan doon na mga anak ni Levi. Nang magkagayo'y ipinasundo ko sina Eliezer, Ariel, Shemaya, Elnatan, Jarib, Elnatan, Natan, Zacarias, at si Mesulam, na mga pangunahing lalaki, at sina Joiarib at Elnatan, na mga tagapagturo, at isinugo ko sila kay Iddo na pangunahing lalaki sa lugar ng Casipia. Sinabi ko sa kanila na kanilang sabihin kay Iddo at sa kanyang mga kapatid na mga lingkod sa templo sa lugar ng Casipia, na sila'y magpadala sa amin ng mga tagapaglingkod sa bahay ng aming Diyos. At sa pamamagitan ng mabuting kamay ng aming Diyos na sumasaamin, sila ay nagdala sa amin ng isang lalaking may karunungan mula sa mga anak ni Mahli, na anak ni Levi, na anak ni Israel, si Sherebias, kasama ang kanyang mga anak na lalaki at mga kapatid, na labingwalo. Kasama rin si Hashabias, at pati si Jeshaias mula sa mga anak ni Merari, kasama ang kanyang mga kapatid at kanyang mga anak na lalaki, na dalawampu. Bukod sa dalawandaan at dalawampung mga lingkod sa templo, na ibinukod ni David at ng kanyang mga pinuno upang tumulong sa mga Levita, silang lahat ay binanggit ayon sa pangalan. Pagkatapos ay nagpahayag ako roon ng ayuno, sa ilog ng Ahava, upang kami'y magpakumbaba sa harapan ng aming Diyos, upang humanap sa kanya ng matuwid na daan, para sa aming sarili, at sa aming mga anak, at sa lahat ng aming mga pag-aari. Ako'y nahiyang humingi sa hari ng isang pangkat ng mga kawal at mga mangangabayo upang ingatan kami laban sa mga kaaway sa aming daraanan; yamang aming sinabi sa hari, "Ang kamay ng aming Diyos ay para sa kabutihan ng lahat na humahanap sa kanya, at ang kapangyarihan ng kanyang poot ay laban sa lahat ng tumatalikod sa kanya." Kaya't kami'y nag-ayuno at nagsumamo sa aming Diyos dahil dito, at siya'y nakinig sa aming pakiusap. Nang magkagayo'y ibinukod ko ang labindalawa sa mga pangunahing pari: sina Sherebias, Hashabias, gayundin ang kanilang mga kamag-anak. At tinimbang ko sa kanila ang pilak, ginto, at ang mga kagamitan, ang handog para sa bahay ng aming Diyos, na inihandog ng hari, ng kanyang mga tagapayo, mga pinuno at ng buong Israel na nakaharap doon. Aking tinimbang sa kanilang kamay ang animnaraan at limampung talentong pilak, at mga sisidlang pilak na may halagang isandaang talento, at isandaang talentong ginto, dalawampung mangkok na ginto na may halagang isang libong dariko, at dalawang sisidlan na pinong makinang na tanso na kasinghalaga ng ginto. At sinabi ko sa kanila, "Kayo'y banal sa PANGINOON, ang mga kagamitan ay banal, at ang pilak at ginto ay kusang-loob na handog sa PANGINOON, ang Diyos ng inyong mga ninuno. Bantayan ninyo at ingatan ang mga ito hanggang sa inyong matimbang sa harapan ng mga punong pari, ng mga Levita, at ng mga puno ng mga sambahayan ng Israel sa Jerusalem, sa loob ng mga silid ng bahay ng PANGINOON." Sa gayo'y tinanggap ng mga pari at ng mga Levita ang timbang ng pilak, ginto, at ng mga kagamitan, upang dalhin sa Jerusalem, sa bahay ng aming Diyos. Pagkatapos ay umalis kami sa ilog ng Ahava nang ikalabindalawang araw ng unang buwan, upang pumunta sa Jerusalem. Ang kamay ng aming Diyos ay kasama namin, at kanyang iniligtas kami sa kamay ng kaaway at sa mga pagtambang sa daan. Dumating kami sa Jerusalem at namalagi roon sa loob ng tatlong araw. Sa ikaapat na araw, sa loob ng bahay ng aming Diyos, ang pilak, ginto at ang mga kagamitan ay tinimbang sa kamay ng paring si Meremot, na anak ni Urias at kasama niya si Eleazar na anak ni Finehas, at kasama nila ang mga Levitang si Jozabad na anak ni Jeshua, at si Noadias na anak ni Binui. Ang kabuuan ay binilang at tinimbang, at ang timbang ng lahat ay itinala. Nang panahong iyon, ang mga dumating mula sa pagkabihag, ang mga bumalik na ipinatapon ay nag-alay ng handog na sinusunog sa Diyos ng Israel, labindalawang toro para sa buong Israel, siyamnapu't anim na lalaking tupa, pitumpu't pitong kordero, at labindalawang kambing na lalaki bilang handog pangkasalanan. Lahat ng ito'y handog na sinusunog sa PANGINOON. Ibinigay rin nila ang mga bilin ng hari sa mga tagapamahala ng hari, at sa mga gobernador ng lalawigan sa kabila ng Ilog; at kanilang tinulungan ang taong-bayan at ang bahay ng Diyos. Pagkatapos na magawa ang mga bagay na ito, nilapitan ako ng mga pinuno at sinabi, "Ang taong-bayan ng Israel at ang mga pari at mga Levita ay hindi pa humihiwalay sa mga taong-bayan ng mga lupain ayon sa kanilang mga karumihan, sa mga Cananeo, Heteo, Perezeo, Jebuseo, Ammonita, Moa-bita, Ehipcio, at mga Amoreo. Sapagkat kumuha sila sa kanilang mga anak na babae para mapangasawa nila at ng kanilang mga anak na lalaki, anupa't ang banal na lahi ay humalo sa mamamayan ng mga lupain. Sa ganitong kataksilan, ang kamay ng mga pinuno at ng mga punong lalaki ay nangunguna." Nang marinig ko ito, pinunit ko ang aking suot at ang aking balabal, binatak ang buhok sa aking ulo at balbas, at ako'y umupong natitigilan. Lahat ng nanginig sa mga salita ng Diyos ng Israel, dahil sa kataksilan ng mga bumalik na bihag, ay nagtipun-tipon sa paligid ko habang ako'y nakaupong natitigilan hanggang sa oras ng paghahandog sa hapon. Sa panahon ng paghahandog sa hapon, bumangon ako sa aking pag-aayuno na punit ang aking suot at ang aking balabal, at ako'y lumuhod at iniunat ko ang aking mga kamay sa PANGINOON kong Diyos, na sinasabi, "O Diyos ko, ako'y nahihiya at namumula na itaas ang aking mukha sa iyo, aking Diyos, sapagkat ang aming mga kasamaan ay tumaas nang higit kaysa aming ulo, at ang aming pagkakasala ay umabot hanggang sa langit. Mula sa mga araw ng aming mga ninuno hanggang sa araw na ito, kami ay nasa napakalaking pagkakasala. Dahil sa aming mga kasamaan, kami, ang aming mga hari, at ang aming mga pari ay ibinigay sa kamay ng mga hari ng mga lupain, sa tabak, sa pagkabihag, sa pagkasamsam, at sa ganap na kahihiyan gaya sa araw na ito. Subalit ngayon, sa maikling panahon ang biyaya ay ipinakita ng PANGINOON naming Diyos, upang mag-iwan sa amin ng isang nalabi, at bigyan kami ng isang tulos sa loob ng kanyang dakong banal, upang palinawin ng aming Diyos ang aming mga mata, at bigyan kami ng kaunting ikabubuhay sa aming pagkaalipin. Bagaman kami ay mga alipin, gayunma'y hindi kami pinabayaan ng aming Diyos sa aming pagkaalipin, kundi ipinaabot sa amin ang kanyang tapat na pag-ibig sa harapan ng mga hari ng Persia, upang bigyan kami ng ikabubuhay sa pagtatayo ng bahay ng aming Diyos, at upang kumpunihin ang mga guho niyon, at upang bigyan kami ng pader sa Juda at sa Jerusalem. "At ngayon, O aming Diyos, ano ang aming sasabihin pagkatapos nito? Sapagkat tinalikuran namin ang iyong mga utos, na iyong iniutos sa pamamagitan ng iyong mga lingkod na mga propeta, na sinasabi, Ang lupain na inyong pinapasok upang angkinin, ay isang maruming lupain na may karumihan ng mga mamamayan ng mga lupain, dahil sa kanilang karumihang pumuno sa magkabilang dulo ng kanilang mga kahalayan. Kaya't huwag ninyong ibigay ang inyong mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalaki, ni kunin man ninyo ang kanilang mga anak na babae para sa inyong mga anak na lalaki, ni hanapin ang kanilang kapayapaan o pag-unlad, upang kayo'y lumakas at kainin ang buti ng lupain, at iwan ninyo bilang pamana sa inyong mga anak magpakailanman.' At pagkatapos ng lahat na sumapit sa amin dahil sa aming masamang mga gawa, at dahil sa aming napakalaking pagkakasala, yamang ikaw na aming Diyos ay nagparusa sa amin ng kaunti kaysa nararapat sa aming mga kasamaan at binigyan mo kami ng ganitong nalabi. Muli ba naming sisirain ang iyong mga utos at mag-aasawa sa mga taong gumagawa ng mga karumihan na ito? Hindi ka ba magagalit sa amin hanggang sa mapuksa mo kami, kaya't hindi magkakaroon ng nalabi, o ng sinumang makakatakas? O PANGINOON, Diyos ng Israel, ikaw ay matuwid, sapagkat kami ay naiwan na isang nalabi na nakatakas, na gaya sa araw na ito. Narito, kami ay nasa harapan mo sa aming pagkakasala, sapagkat walang makakatayo sa harapan mo dahil dito." Habang si Ezra ay nananalangin at nagpapahayag ng kasalanan na umiiyak at nagpapatirapa sa harapan ng bahay ng Diyos, isang napakalaking pagtitipon ng mga lalaki, mga babae, at mga bata ang nagtipun-tipon sa kanya mula sa Israel; at ang taong-bayan ay umiyak din na may kapaitan. At si Shecanias na anak ni Jehiel, isa sa mga anak ni Elam ay nagsalita kay Ezra: "Kami ay nagkasala laban sa ating Diyos at nag-asawa ng mga banyagang babae mula sa mga mamamayan ng lupain, subalit kahit ngayon ay may pag-asa sa Israel sa kabila nito. Ngayon ay makipagtipan tayo sa ating Diyos na paalisin ang lahat ng mga asawang ito at ang kanilang mga anak, ayon sa payo ng aking panginoon at ng mga nanginginig sa utos ng ating Diyos; at gawin ito ayon sa kautusan. Bumangon ka, sapagkat ito ay gawain mo, at kami ay kasama mo. Magpakalakas ka at gawin mo." Nang magkagayo'y tumindig si Ezra at pinasumpa ang mga namumunong pari, ang mga Levita at ang buong Israel, na kanilang gagawin ang ayon sa sinabi. Kaya't sumumpa sila. Pagkatapos ay tumindig si Ezra mula sa harapan ng bahay ng Diyos, at pumasok sa silid ni Jehohanan na anak ni Eliasib, na doon ay nagpalipas siya ng magdamag, at hindi kumain ng tinapay ni uminom man ng tubig, kundi siya'y nanangis dahil sa kataksilan ng mga bihag. Ginawa ang isang pahayag sa buong Juda at Jerusalem sa lahat ng mga bumalik na bihag na sila'y magtipun-tipon sa Jerusalem; at kung sinuman ay hindi dumating sa loob ng tatlong araw, ayon sa utos ng mga pinuno at ng matatanda, lahat ng kanyang ari-arian ay sasamsamin, at siya mismo ay ititiwalag sa kapulungan ng mga bihag. Nang magkagayon, ang lahat ng kalalakihan ng Juda at Benjamin ay nagtipun-tipon sa Jerusalem sa loob ng tatlong araw; noon ay ikasiyam na buwan nang ikadalawampung araw ng buwan. Ang buong bayan ay naupo sa liwasang-bayan sa harapan ng bahay ng Diyos na nanginginig dahil sa bagay na ito at dahil sa malakas na ulan. Ang paring si Ezra ay tumayo at sinabi sa kanila, "Kayo'y lumabag at nag-asawa ng mga babaing banyaga, kaya't lumaki ang pagkakasala ng Israel. Ngayon nga'y mangumpisal kayo sa PANGINOON, sa Diyos ng inyong mga ninuno, at inyong gawin ang kanyang kalooban. Humiwalay kayo sa mga mamamayan ng lupain at sa mga asawang banyaga." Nang magkagayon ang buong kapisanan ay sumagot nang malakas na tinig, "Gayon nga, dapat naming gawin ang ayon sa sinabi mo." Ngunit ang mamamayan ay marami, at ngayon ay tag-ulan; kami ay hindi makakatagal sa labas. Ito ay isang gawain na hindi magagawa sa isang araw o dalawa, sapagkat kami ay nakagawa ng napakalaking pagkakasala sa bagay na ito. Hayaang tumayo ang aming mga pinuno para sa buong kapisanan, at pumarito sa takdang panahon ang lahat sa aming mga mamamayan na kumuha ng mga asawang banyaga, at pumaritong kasama nila ang matatanda at mga hukom ng lahat ng lunsod, hanggang sa ang mabangis na poot ng aming Diyos tungkol sa bagay na ito ay maiiwas sa amin." Si Jonathan lamang na anak ni Asahel, at si Jaazias na anak ni Tikva ang sumalungat dito, si Mesulam at si Sabetai na Levita ang tumulong sa kanila. Gayon ang ginawa ng mga bihag na bumalik. Ang paring si Ezra ay pumili ng mga lalaki, mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, bawat isa sa kanila ay itinalaga ayon sa pangalan. Sa unang araw ng ikasampung buwan sila ay umupo upang suriin ang pangyayari. At sa pagdating ng unang araw ng unang buwan sila ay dumating sa katapusan ng lahat ng mga lalaking nag-asawa ng mga babaing banyaga. Sa mga anak ng mga pari na nag-asawa ng mga babaing banyaga ay natagpuan sina Maasias, Eliezer, Jarib, at Gedalias na mga anak ni Jeshua, na anak ni Jozadak, at ang kanyang mga kapatid. Sila'y nangako na hihiwalayan ang kanilang mga asawa; at ang kanilang handog para sa budhing maysala ay isang lalaking tupa mula sa kawan para sa budhing maysala. Sa mga anak ni Imer: sina Hanani at Zebadias. Sa mga anak ni Harim: sina Maasias, Elias, Shemaya, Jehiel, at Uzias. Sa mga anak ni Pashur; sina Elioenai, Maasias, Ismael, Natanael, Jozabad, at Elasa. At sa mga Levita: sina Jozabad, Shimei, Kelaia (na siya ring Kelita), Petaya, Juda, at Eliezer. Sa mga mang-aawit: si Eliasib; at sa mga bantay-pinto: sina Shallum, Telem, at Uri. Sa Israel; sa mga anak ni Paros: sina Ramia, Izzias, Malkia, Mijamin, Eleazar, Hashabias, at Benaya. Sa mga anak ni Elam: sina Matanias, Zacarias, Jehiel, Abdi, Jeremot, at Elia. Sa mga anak ni Zatu; sina Elioenai, Eliasib, Matanias, Jeremot, Zabad, at Aziza. Sa mga anak ni Bebai; sina Jehohanan, Hananias, Zabai, at Atlai. Sa mga anak ni Bani: sina Mesulam, Malluc, Adaya, Jasub, Seal, at Ramot. Sa mga anak ni Pahat-moab; sina Adna, Cheleal, Benaya, Maasias, Matanias, Besaleel, Binui, at Manases. Sa mga anak ni Harim: sina Eliezer, Issia, Malkia, Shemaya, at Simeon; Benjamin, Malluc, at Shemarias. Sa mga anak ni Hasum: sina Matenai, Matata, Zabad, Elifelet, Jeremai, Manases, at Shimei. Sa mga anak ni Bani; sina Maadi, Amram, at Uel; Benaya, Bedias, Cheluhi; Vanias, Meremot, Eliasib; Matanias, Matenai, Jaasai; Bani, Binui, Shimei; Shelemias, Natan, Adaya; Macnadbai, Sasai, Sarai; Azarel, Shelemias, Shemarias; Shallum, Amarias, at Jose. Sa mga anak ni Nebo: sina Jehiel, Matithias, Zabad, Zebina, Jadau, Joel, at Benaya. Lahat ng mga ito'y nagsipag-asawa ng mga babaing banyaga, at kanilang pinaalis sila kasama ang kanilang mga anak. Ang mga salita ni Nehemias na anak ni Hacalias. Sa buwan ng Chislev, nang ikadalawampung taon, samantalang ako'y nasa Susa na siyang kabisera, si Hanani, isa sa aking mga kapatid, ay dumating na kasama ang ilang lalaki mula sa Juda. Tinanong ko sila tungkol sa mga Judio na natirang buhay, na nakatakas sa pagkabihag, at tungkol sa Jerusalem. Sinabi nilasa akin, "Ang mga natirang buhay sa lalawigan na nakatakas sa pagkabihag ay nasa isang malubhang kalagayan at kahihiyan. Ang pader ng Jerusalem ay wasak at ang mga pintuan nito ay natupok ng apoy." Nang marinig ko ang mga salitang ito, ako'y umupo, umiyak, at tumangis nang ilang araw; at ako'y nagpatuloy sa pag-aayuno at pananalangin sa harapan ng Diyos ng langit. Aking sinabi "O, PANGINOONG Diyos ng langit, ang dakila at kasindak-sindak na Diyos, na nag-iingat ng tipan at ng tapat na pag-ibig sa mga umiibig sa kanya, at nag-iingat ng kanyang mga utos; makinig ka sana ngayon at imulat ang iyong mga mata upang makinig sa dalangin ng iyong lingkod, na aking idinadalangin ngayon sa harap mo araw at gabi para sa mga anak ni Israel na iyong mga lingkod. Aking ipinahahayag ang mga kasalanan ng mga anak ni Israel, na aming nagawa laban sa iyo. Ako at ang aking sambahayan ay nagkasala. Napakasama ng aming nagawa laban sa iyo, at hindi namin iningatan ang mga utos, mga tuntunin, o ang mga batas na iyong iniutos sa iyong lingkod na si Moises. Alalahanin mo ang salita na iyong iniutos sa iyong lingkod na si Moises, na sinasabi, 'Kapag kayo'y hindi tapat, ikakalat ko kayo sa lahat ng mga bayan; ngunit kung kayo'y manumbalik sa akin, at ingatan ninyo ang aking mga utos at gawin ang mga ito, bagaman ang inyong pagkawatak-watak ay nasa kadulu-duluhang bahagi ng mga langit, aking titipunin sila mula roon at dadalhin ko sila sa lugar na aking pinili upang patirahin doon ang aking pangalan.' Ang mga ito ang iyong mga lingkod at ang iyong bayan, na tinubos mo sa pamamagitan ng iyong dakilang kapangyarihan at sa pamamagitan ng iyong malakas na kamay. O Panginoon, pakinggan mo nawa ang panalangin ng iyong lingkod na nalulugod na igalang ang iyong pangalan. Pagtagumpayin mo ngayon ang iyong lingkod, at pagkalooban mo siya ng kaawaan sa paningin ng lalaking ito." Noon ay tagapagdala ako ng kopa ng hari. Sa buwan ng Nisan, nang ikadalawampung taon ni Artaxerxes na hari, samantalang mayroong alak sa harapan niya, kinuha ko ang alak at ibinigay ko sa hari. Hindi pa ako naging malungkot nang gayon sa kanyang harapan. At sinabi ng hari sa akin, "Bakit malungkot ang iyong mukha, samantalang wala ka namang sakit? Ito'y walang iba kundi kalungkutan ng puso." Nang magkagayo'y lubha akong natakot. Sinabi ko sa hari, "Mabuhay ang hari magpakailanman! Bakit hindi malulungkot ang aking mukha, gayong ang lunsod, ang lugar ng mga libingan ng aking mga ninuno ay giba, at ang mga pintuan nito ay natupok ng apoy?" Nang magkagayo'y sinabi ng hari sa akin, "Ano ang iyong kahilingan?" Kaya't ako'y nanalangin sa Diyos ng langit. Sinabi ko sa hari, "Kung ikakalugod ng hari at kung ang iyong lingkod ay nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, suguin mo ako sa Juda, sa lunsod ng libingan ng aking mga ninuno, upang aking muling maitayo ito." Sinabi ng hari sa akin, (ang reyna ay nakaupo sa tabi niya), "Gaano katagal kang mawawala, at kailan ka babalik?" Sa gayo'y ikinalugod ng hari na suguin ako, at nagtakda ako sa kanya ng panahon. Sinabi ko naman sa hari, "Kung ikakalugod ng hari, bigyan sana ako ng mga sulat para sa mga tagapamahala ng lalawigan sa kabila ng Ilog, upang ako'y kanilang paraanin hanggang sa ako'y makarating sa Juda; at isang sulat para kay Asaf na tagapag-ingat ng gubat ng hari, upang bigyan niya ako ng mga troso upang gawing mga biga sa mga pintuan ng kuta ng templo at para sa pader ng lunsod at sa bahay na aking papasukan." Ipinagkaloob sa akin ng hari ang aking hiniling, sapagkat ang mabuting kamay ng aking Diyos ay nasa akin. At ako'y pumunta sa mga tagapamahala ng lalawigan sa kabila ng Ilog, at ibinigay ko sa kanila ang mga sulat ng hari. Ang hari ay nagsugo na kasama ko ang mga punong kawal ng hukbo at mga mangangabayo. Subalit nang mabalitaan ito ni Sanballat na Horonita at ni Tobias na lingkod na Ammonita, ikinayamot nila nang husto na may isang dumating para sa kapakanan ng mga anak ni Israel. Kaya't dumating ako sa Jerusalem at tumigil doon sa loob ng tatlong araw. Kinagabihan, bumangon ako at ang ilang lalaking kasama ko. Wala akong pinagsabihan kung ano ang inilagay ng aking Diyos sa aking puso upang gawin para sa Jerusalem. Wala akong kasamang hayop maliban sa hayop na aking sinakyan. Kinagabihan, ako'y lumabas sa Pintuan ng Libis tungo sa Balon ng Dragon at sa Pintuan ng Dumi, at aking siniyasat ang mga pader ng Jerusalem na winasak at ang mga pintuan nito na tinupok ng apoy. Pagkatapos ay nagtungo ako sa Pintuan ng Bukal at sa Tipunan ng Tubig ng hari; ngunit walang madaanan ang hayop na sinasakyan ko. Kinagabihan, ako'y umahon sa libis at siniyasat ang pader. Pagkatapos ako'y bumalik at pumasok sa Pintuan ng Libis; gayon ako bumalik. Hindi nalaman ng mga pinuno kung saan ako nagpunta, o kung ano ang ginagawa ko. Hindi ko pa sinasabi sa mga Judio, sa mga pari, sa mga maharlika, sa mga pinuno, at sa iba pang gagawa ng gawain. Pagkatapos ay sinabi ko sa kanila, "Nakikita ninyo ang magulong kalagayan natin, kung paanong ang Jerusalem ay guho at ang mga pintuan nito ay nasunog. Halikayo, kayo natin ang pader ng Jerusalem upang hindi na tayo magdanas ng kahihiyan." Sinabi ko sa kanila ang tungkol sa kamay ng aking Diyos na naging mabuti sa akin, at gayundin ang mga salitang sinabi sa akin ng hari. At kanilang sinabi, "Magsimula na tayong magtayo." Kaya't itinalaga nila ang kanilang mga sarili para sa ikabubuti ng lahat. Ngunit nang ito'y mabalitaan nina Sanballat na Horonita, ni Tobias na lingkod na Ammonita, at ni Gesem na taga-Arabia, kanilang pinagtawanan at hinamak kami at sinabi, "Ano itong bagay na inyong ginagawa? Naghihimagsik ba kayo laban sa hari?" Nang magkagayo'y sumagot ako sa kanila, "Pagtatagumpayin kami ng Diyos ng langit at kaming mga lingkod niya ay magsisimula nang magtayo; ngunit kayo'y walang bahagi, o karapatan, o alaala man sa Jerusalem." Nang magkagayo'y si Eliasib na pinakapunong pari ay tumayong kasama ng kanyang mga kasamahang pari at kanilang itinayo ang Pintuan ng mga Tupa. Ito ay kanilang itinalaga at inilagay ang mga pinto niyon; kanilang itinalaga ito hanggang sa Tore ng Sandaan at hanggang sa Tore ng Hananel. Kasunod niya ay nagtayo ang mga lalaki ng Jerico. At kasunod nila ay nagtayo si Zacur na anak ni Imri. Ang Pintuan ng mga Isda ay itinayo ng mga anak ni Senaa; kanilang inilapat ang mga biga nito, at inilagay ang mga pinto, mga kandado, at ang mga halang. Kasunod nila ay nagkumpuni si Meremot na anak ni Urias, na anak ni Hakoz. At kasunod nila ay nagkumpuni si Mesulam, na anak ni Berequias, na anak ni Mesezabel. At kasunod nila ay nagkumpuni si Zadok na anak ni Baana. Kasunod nila ay nagkumpuni ang mga Tekoita; ngunit hindi inilagay ng kanilang mga maharlika ang kanilang mga leeg sa gawain ng kanilang mga panginoon. Ang Matandang Pintuan ay kinumpuni nina Joiada na anak ni Pasea at ni Mesulam na anak ni Besodias; kanilang inilapat ang mga biga nito, at inilagay ang mga pinto, mga kandado, at ang mga halang niyon. Kasunod nila ay nagkumpuni sina Melatias na Gibeonita, Jadon na Meronotita; at ang mga lalaking taga-Gibeon at taga-Mizpa, na nasa ilalim ng pamamahala ng gobernador ng lalawigan sa kabila ng Ilog.. Kasunod nila ay nagkumpuni si Uziel na anak ni Harhaias na panday-ginto. At kasunod nila ay nagkumpuni si Hananias na isa sa mga gumagawa ng pabango, at kanilang muling itinayo ang Jerusalem hanggang sa Maluwang na Pader. Kasunod nila ay nagkumpuni si Refaias na anak ni Hur, na pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem. Kasunod nila ay nagkumpuni si Jedias na anak ni Harumaf, sa tapat ng kanyang bahay. At kasunod niya ay nagkumpuni si Hatus na anak ni Hashabneias. Ang ibang bahagi at ang Tore ng mga Pugon ay kinumpuni nina Malkia na anak ni Harim at Hashub na anak ni Pahat-moab. Kasunod nila ay nagkumpuni si Shallum na anak ni Hallohes, na pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem, siya at ang kanyang mga anak na babae. Kinumpuni ni Hanun at ng mga mamamayan ng Zanoa ang Pintuan ng Libis; muli nila itong itinayo at inilagay ang mga pinto, mga kandado, at mga halang niyon, at kinumpuni ang isang libong siko ng pader, hanggang sa Pintuan ng Dumi. Ang Pintuan ng Dumi ay kinumpuni ni Malkia na anak ni Recab, na pinuno ng distrito ng Bet-hacquerim; muli niya itong itinayo at inilagay ang mga pinto, mga kandado, at ang mga halang niyon. Ang Pintuan ng Bukal ay kinumpuni ni Shallum na anak ni Colhoze, na pinuno ng distrito ng Mizpa; muli niya itong itinayo at tinakpan, inilagay ang mga pinto, kandado, at mga halang niyon. Kanyang ginawa ang pader ng Tipunan ng Tubig ng Shela sa tabi ng halamanan ng hari, hanggang sa mga baytang na paibaba mula sa lunsod ni David. Pagkatapos niya ay nagkumpuni si Nehemias na anak ni Azbuk, na pinuno ng kalahating distrito ng Bet-zur, hanggang sa dakong katapat ng mga libingan ni David, hanggang sa tipunan ng tubig na gawa ng tao, at hanggang sa bahay ng mga mandirigma. Kasunod niya ay nagkumpuni ang mga Levita: si Rehum na anak ni Bani. Kasunod niya, si Hashabias na pinuno ng kalahating distrito ng Keila ay nagkumpuni para sa kanyang distrito. Kasunod niya ay nagkumpuni ang kanilang mga kapatid: si Binui na anak ni Henadad, na pinuno ng kalahating distrito ng Keila. Kasunod niya ay kinumpuni ni Eser na anak ni Jeshua, na pinuno ng Mizpa, ang ibang bahagi sa tapat ng gulod sa taguan ng mga sandata sa pagliko. Kasunod niya ay masikap na kinumpuni ni Baruc na anak ni Zabbai ang ibang bahagi, mula sa may pagliko hanggang sa pintuan ng bahay ni Eliasib na pinakapunong pari. Pagkatapos niya ay kinumpuni ni Meremot, na anak ni Urias na anak ni Hakoz ang ibang bahagi mula sa pintuan ng bahay ni Eliasib hanggang sa dulo ng bahay ni Eliasib. Pagkatapos niya ay nagkumpuni ang mga pari, ang mga lalaking mula sa Kapatagan. Pagkatapos nila ay nagkumpuni sina Benjamin at Hashub sa tapat ng kanilang bahay. Pagkatapos nila ay nagkumpuni si Azarias na anak ni Maasias, na anak ni Ananias, sa tabi ng kanyang sariling bahay. Pagkatapos niya ay kinumpuni ni Binui na anak ni Henadad ang ibang bahagi, mula sa bahay ni Azarias hanggang sa pagliko, at hanggang sa sulok. Si Paal na anak ni Uzai ay nagkumpuni sa tapat ng pagliko, at sa toreng lumalabas mula sa mas mataas na bahay ng hari na nasa tabi ng bulwagan ng bantay. Pagkatapos niya, si Pedaya na anak ni Faros, at ang mga lingkod sa templo na nakatira sa Ofel ay nagkumpuni hanggang sa dakong nasa tapat ng Pintuan ng Tubig sa dakong silangan at sa toreng nakalabas. Kasunod niya ay kinumpuni ng mga Tekoita ang ibang bahagi sa tapat ng malaking tore na nakalabas hanggang sa pader ng Ofel. Sa itaas ng Pintuan ng Kabayo, ang mga pari ay nagkumpuni, bawat isa sa tapat ng kanyang sariling bahay. Pagkatapos niya ay nagkumpuni si Zadok na anak ni Imer sa tapat ng kanyang sariling bahay. Kasunod niya ay nagkumpuni si Shemaya na anak ni Shecanias na bantay sa Silangang Pintuan. Pagkatapos niya ay kinumpuni nina Hananias na anak ni Shelemias, at ni Anun na ikaanim na anak ni Salaf, ang ibang bahagi. Kasunod nila ay kinumpuni ni Mesulam na anak ni Berequias ang tapat ng kanyang silid. Pagkatapos niya ay nagkumpuni si Malkia na isa sa mga panday-ginto, hanggang sa bahay ng mga lingkod sa templo at ng mga mangangalakal sa tapat ng Pintuan ng Hamifcad, at sa itaas na silid ng panulukan. At sa pagitan ng itaas na silid ng panulukan at ng Pintuan ng mga Tupa, ang mga panday-ginto at ang mga mangangalakal ay nagkumpuni. Nang mabalitaan ni Sanballat na aming itinatayo ang pader, siya'y nagalit, labis na napoot at kanyang tinuya ang mga Judio. At kanyang sinabi sa harapan ng kanyang mga kapatid at ng hukbo ng Samaria, "Anong ginagawa nitong mahihinang Judio? Ibabalik ba nila ang mga bagay? Mag-aalay ba sila? Makakatapos ba sila sa isang araw? Kanila bang bubuhayin ang mga bato mula sa mga bunton ng basura, bagaman nasunog na ang mga iyon?" Si Tobias na Ammonita ay nasa tabi niya, at sinabi niya, "Kapag ang alinmang asong-ligaw ay umakyat roon, ibabagsak nito ang kanilang mga batong pader!" Pakinggan mo, O aming Diyos, sapagkat kami ay hinamak; at ibalik mo ang kanilang pag-alipusta sa kanilang sariling ulo, at ibigay mo sila sa isang lupain upang pagnakawan na doo'y mga bihag sila. Huwag mong pagtakpan ang kanilang kasalanan, at huwag mong pawiin ang kanilang pagkakasala sa harapan mo sapagkat kanilang ginalit ka sa harapan ng mga manggagawa. Kaya't aming itinayo ang pader at ito ay napagdugtong hanggang sa kalahati ng taas niyon. Sapagkat ang taong-bayan ay may isang pag-iisip sa paggawa. Ngunit nang mabalitaan nina Sanballat, Tobias, ng mga taga-Arabia, mga Ammonita, at ng mga Asdodita, na nagpapatuloy ang pagkukumpuni ng mga pader ng Jerusalem at ang mga sira ay nagsisimulang masarhan, sila'y galit na galit. Silang lahat ay magkakasamang nagbalak na puntahan at labanan ang Jerusalem at gumawa ng kaguluhan doon. Kami ay nanalangin sa aming Diyos, at naglagay ng bantay laban sa kanila sa araw at gabi. Ngunit sinabi ng Juda, "Ang lakas ng mga tagapasan ay nauubos, at marami pang basura, hindi kami makagawa sa pader." At sinabi ng aming mga kalaban, "Hindi nila malalaman o makikita hanggang sa kami ay makarating sa gitna nila, at patayin sila, at patigilin ang gawain." Nang dumating ang mga Judio na naninirahang kasama nila, sinabi nila sa amin nang sampung ulit, "Mula sa lahat ng mga lugar na kanilang tinitirhan, sila ay aahon laban sa atin." Kaya't sa mga pinakamababang bahagi ng pagitan ng likuran ng pader, sa mga bukas na dako, aking inilagay ang mga tao ayon sa kanilang mga angkan, na hawak ang kanilang mga tabak, mga sibat, at ang kanilang mga pana. Ako'y tumingin, tumayo, at sinabi sa mga maharlika at sa mga pinuno, at sa iba pang taong-bayan, "Huwag kayong matakot sa kanila. Inyong alalahanin ang Panginoon, na dakila at kasindak-sindak, at ipaglaban ninyo ang inyong mga kapatid, ang inyong mga anak na lalaki at babae, ang inyong mga asawa, at ang inyong mga tahanan." Nang mabalitaan ng aming mga kaaway na iyon ay nalalaman na namin at binigo ng Diyos ang kanilang balak, kaming lahat ay nagbalik sa pader, bawat isa'y sa kanyang gawain. Mula nang araw na iyon, kalahati sa aking mga lingkod ay gumawa sa pagtatayo, at ang kalahati ay humawak ng mga sibat, mga kalasag, mga pana, at mga baluti; at ang mga pinuno ay nasa likuran ng buong sambahayan ng Juda, na gumagawa sa pader. Yaong mga nagpapasan ay pinagpapasan sa paraang ang bawat isa'y gumagawa sa pamamagitan ng isang kamay habang ang isa nama'y may hawak na sandata. Bawat isa sa mga manggagawa ay may kanyang tabak na nakasukbit sa kanyang tagiliran habang gumagawa. Ang lalaking nagpapatunog ng trumpeta ay katabi ko. Sinabi ko sa mga maharlika at sa mga pinuno, at sa iba pang taong-bayan, "Ang gawain ay malaki at malawak ang nasasaklaw, at tayo'y hiwa-hiwalay sa pader, malayo sa isa't isa. Sa lugar na inyong marinig ang tunog ng trumpeta, magsamasama tayo roon. Ang Diyos natin ang lalaban para sa atin." Kaya't gumawa kami sa gawain, at kalahati sa kanila ay naghawak ng mga sibat mula sa pagbubukang-liwayway hanggang sa lumitaw ang mga bituin. Sinabi ko rin nang panahong iyon sa taong-bayan, "Bawat lalaki at ang kanyang lingkod ay magpalipas ng gabi sa Jerusalem upang sila ay maging bantay para sa atin sa gabi at makagawa sa araw." Kaya't maging ako, ni ang aking mga kapatid, ang aking mga lingkod, at ang mga lalaking bantay na sumusunod sa akin, ay walang naghubad sa amin ng aming mga suot, bawat isa'y iningatan ang kanyang sandata sa kanyang kamay. Nagkaroon ng malakas na pagtutol ang taong-bayan at ang kanilang mga asawa laban sa kanilang mga kapatid na mga Judio. Sapagkat may nagsabi, "Kasama ang ating mga anak na lalaki at babae, tayo ay marami; kumuha tayo ng trigo upang tayo'y may makain at manatiling buhay." May nagsabi rin, "Aming isinasangla ang aming mga bukid, mga ubasan, at mga bahay upang makakuha ng butil dahil sa taggutom." May nagsabi rin, "Kami'y nanghiram ng salapi para sa buwis ng hari na ipinataw sa aming mga bukid at aming mga ubasan. Ngayon ang aming laman ay gaya rin ng laman ng aming mga kapatid, ang aming mga anak ay gaya ng kanilang mga anak, ngunit aming pinipilit ang aming mga anak na lalaki at babae upang maging mga alipin, at ang ilan sa aming mga anak na babae ay naging alipin na. Ngunit wala kaming kakayahang makatulong, sapagkat nasa ibang mga tao ang aming bukid at mga ubasan." Ako'y galit na galit nang aking marinig ang kanilang daing at ang mga pagtutol na ito. Pagkatapos na pag-isipan ito, pinaratangan ko ang mga maharlika at ang mga pinuno, at sinabi ko sa kanila, "Kayo'y nagpapatubo maging sa inyong sariling kapatid." Ako'y nagpatawag ng malaking pagtitipon laban sa kanila. Sinabi ko sa kanila, "Kami, sa abot ng aming makakaya ay aming tinubos ang aming mga kapatid na mga Judio na ipinagbili sa mga bansa; ngunit inyo pang ipinagbili ang inyong mga kapatid upang sila'y maipagbili sa amin!" Sila'y tumahimik at walang masabing anuman. Kaya't sinabi ko, "Ang bagay na inyong ginagawa ay hindi mabuti. Hindi ba marapat na kayo'y lumakad na may takot sa ating Diyos, upang maiwasan ang pag-alipusta ng ating mga kaaway na bansa? Gayundin, ako at ang aking mga kapatid at ang aking mga lingkod ay nagpahiram sa kanila ng salapi at butil. Tigilan na natin ang ganitong pagpapatubo. Isauli ninyo sa kanila sa araw ding ito ang kanilang mga bukid, mga ubasan, mga taniman ng olibo, mga bahay, gayundin ang ika-isandaang bahagi ng salapi, trigo, alak, at langis na inyong ipinapataw sa kanila." Pagkatapos ay sinabi nila, "Isasauli namin ang mga ito at wala kaming hihingin sa kanila. Gagawin namin ang ayon sa iyong sinasabi." Tinawag ko ang mga pari at pinanumpa ko sila na gawin ang ayon sa ipinangako nila. Ipinagpag ko rin ang laylayan ng aking damit at sinabi, "Ganito nawa pagpagin ng Diyos ang bawat tao mula sa kanyang bahay at mula sa kanyang gawain na hindi tumupad ng pangakong ito. Ganito nawa siya maipagpag at mahubaran." At ang buong kapulungan ay nagsabi, "Amen" at pinuri ang PANGINOON. At ginawa ng taong-bayan ang ayon sa kanilang ipinangako. Bukod dito, mula nang panahong ako'y hirangin na maging tagapamahala nila sa lupain ng Juda, mula sa ikadalawampung taon hanggang sa ikatatlumpu't dalawang taon ni Haring Artaxerxes, samakatuwid ay labindalawang taon, ako at ang aking mga kapatid ay hindi kumain ng pagkaing panustos para sa tagapamahala. Ang mga dating tagapamahalang nauna sa akin ay nagpataw ng mabigat na pasanin sa taong-bayan, at kumuha sa kanila ng pagkain at alak, bukod sa apatnapung siklong pilak. Maging ang kanilang mga lingkod ay nagmalupit sa taong-bayan. Ngunit iyon ay hindi ko ginawa, dahil sa takot sa Diyos. Itinalaga ko ang aking sarili sa gawain sa pader na ito, at hindi bumili ng lupain; at ang lahat ng aking mga lingkod ay nagtipun-tipon doon para sa gawain. Bukod dito'y nagkaroon sa aking hapag ng isandaan at limampung katao, mga Judio at mga pinuno, bukod sa pumunta sa amin mula sa mga bansang nasa palibot namin. Ang inihahanda sa bawat araw ay isang baka at anim na tupang pinili; ang mga manok ay inihanda rin para sa akin, at bawat sampung araw ay maraming sari-saring alak. Gayunman, sa kabila ng lahat ng ito ay hindi ako humingi ng pagkaing panustos para sa tagapamahala, dahil sa mabigat na pasanin ng paggawa na nasa taong-bayan. O aking Diyos, alalahanin mo para sa aking ikabubuti, ang lahat ng aking ginawa para sa bayang ito. Nang maibalita kina Sanballat, Tobias, at Gesem na taga-Arabia, at sa iba pa naming mga kaaway na naitayo ko na ang pader at wala nang sirang naiiwan doon; (bagaman hanggang sa panahong iyon ay hindi ko pa nailalagay ang mga pinto sa mga pintuang bayan), sina Sanballat at Gesem ay nagsugo sa akin, na nagpapasabi, "Pumarito ka, magkita tayo sa isa sa mga nayon sa kapatagan ng Ono." Ngunit nagbabalak silang gawan ako ng masama. At ako'y nagpadala ng mga sugo sa kanila, na nagsasabi, "Ako'y gumagawa ng isang dakilang gawain at hindi ako makakababa. Bakit kailangang itigil ang gawain, habang wala ako upang makababa lamang sa inyo?" At sila'y nagsugo sa akin nang apat na ulit sa ganitong paraan at sinagot ko sila sa gayunding paraan. Sa gayunding paraan isinugo ni Sanballat ang kanyang lingkod sa akin sa ikalimang pagkakataon na may bukas na sulat sa kanyang kamay. Doon ay nakasulat: "Naibalita sa mga bansa, at sinasabi rin ni Gasmu na ikaw at ang mga Judio ay nagbabalak maghimagsik na siyang dahilan kung bakit nagtatayo ka ng pader. At nais mong maging hari nila, ayon sa ulat na ito. At naglagay ka rin ng mga propeta upang magpahayag tungkol sa iyo sa Jerusalem, 'May isang hari sa Juda.' At ngayo'y ibabalita ito sa hari ayon sa mga salitang ito. Kaya't pumarito ka ngayon, at mag-usap tayo." Nang magkagayo'y nagsugo ako sa kanya, na sinasabi, "Walang ganyang mga bagay na gaya ng iyong sinasabi ang ginawa. Kinatha mo lamang ang mga iyan mula sa sarili mong pag-iisip." Sapagkat ibig nilang lahat na takutin kami, na nag-aakalang, "Hihinto ang mga kamay nila sa pag-gawa at hindi ito matatapos." Ngunit ngayon, O Diyos, palakasin mo ang aking mga kamay. Nang ako'y pumaroon sa bahay ni Shemaya na anak ni Delaias na anak ni Mehetabel na nakulong ay kanyang sinabi, "Tayo'y magtipon sa bahay ng Diyos, sa loob ng templo, at isara natin ang mga pinto ng templo; sapagkat sila'y darating upang patayin ka. Tiyak, sa gabi ay darating sila upang patayin ka." Ngunit aking sinabi, "Tatakas ba ang isang lalaking gaya ko? Ang tao bang gaya ko ay papasok sa templo upang iligtas ang buhay? Hindi ako papasok." At aking napag-alaman at nakita na hindi siya sinugo ng Diyos, kundi kanyang sinabi ang propesiya laban sa akin, sapagkat inupahan siya nina Tobias at Sanballat. Para sa layuning ito ay inupahan siya, upang ako'y matakot at kumilos sa ganitong paraan at magkasala, upang mabigyan nila ako ng isang masamang pangalan at ako'y kanilang tuyain. Alalahanin mo, O aking Diyos, sina Tobias at Sanballat ayon sa mga gawang ito na kanilang ginawa, gayundin ang babaing propeta na si Noadias at ang iba pang mga propeta na nagnais na ako'y takutin. Sa gayo'y natapos ang pader sa ikadalawampu't limang araw ng buwan ng Elul, sa loob ng limampu't dalawang araw. Nang ito'y mabalitaan ng lahat ng aming mga kaaway, ang lahat ng mga bansang nasa palibot namin ay natakot at napahiya sa kanilang sariling pagmamataas, sapagkat kanilang nabatid na ang gawang ito ay natapos sa tulong ng aming Diyos. Bukod dito, sa mga araw na iyon ay nagpadala ng maraming sulat kay Tobias ang mga maharlika sa Juda at ang mga sulat ni Tobias ay dumating sa kanila. Sapagkat marami sa Juda ang nanumpa sa kanya, sapagkat siya'y manugang ni Shecanias na anak ni Arah; at kinuha ng kanyang anak na si Jehohanan ang anak na babae ni Mesulam na anak ni Berequias upang maging kanyang asawa. Nagsalita rins ila tungkol sa kanyang mabubuting gawa sa harapan ko, at ibinalita ang aking mga sinabi sa kanya. At si Tobias ay nagpadala ng mga sulat upang takutin ako. Nang ang pader ay naitayo na at nailagay ko na ang mga pinto, ang mga bantay-pinto, mga mangaawit, at ang mga Levita ay nahirang na, aking ibinigay kay Hanani na aking kapatid at kay Hananias na tagapamahala ng kuta, ang pamamahala sa Jerusalem, sapagkat siya'y isang higit na tapat na lalaki at natatakot sa Diyos kaysa marami. Sinabi ko sa kanila, "Huwag bubuksan ang mga pintuan ng Jerusalem hanggang sa ang araw ay uminit; at samantalang sila'y nagbabantay, isara nila at ikandado ang mga pinto. Humirang kayo ng mga bantay mula sa mga mamamayan ng Jerusalem, bawat isa'y sa kanyang binabantayan, at bawat isa'y sa tapat ng kanyang bahay." Ang lunsod ay maluwang at malaki, ngunit ang mga tao sa loob nito ay kakaunti at wala pang mga bahay na naitatayo. Inilagay ng Diyos sa aking puso na tipunin ang mga maharlika, mga pinuno, at ang taong-bayan upang magpatala ayon sa talaan ng lahi. Aking natagpuan ang aklat ng talaan ng lahi ng mga nagsiahon noong una, at aking natagpuang nakasulat doon: Ang mga ito ang mga tao ng lalawigan na nagsiahon mula sa pagkabihag na dinala ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia; sila'y nagsibalik sa Jerusalem at sa Juda, bawat isa'y sa kanyang bayan. Sila'y dumating na kasama nina Zerubabel, Jeshua, Nehemias, Azarias, Raamias, Nahamani, Mordecai, Bilsan, Misperet, Bigvai, Nehum, at Baana. Ang bilang ng mga lalaki ng Israel ay ito: ang mga anak ni Paros, dalawang libo isandaan at pitumpu't dalawa. Ang mga anak ni Shefatias, tatlong daan at pitumpu't dalawa. Ang mga anak ni Arah, animnaraan at limampu't dalawa. Ang mga anak ni Pahat-moab, na mga anak ni Jeshua at ni Joab, dalawang libo't walong daan at labingwalo. Ang mga anak ni Elam, isang libo dalawandaan at limampu't apat. Ang mga anak ni Zatu, walong daan at apatnapu't lima. Ang mga anak ni Zacai, pitong daan at animnapu. Ang mga anak ni Binui, animnaraan at apatnapu't walo. Ang mga anak ni Bebai, animnaraan at dalawampu't walo. Ang mga anak ni Azgad, dalawang libo tatlong daan at dalawampu't dalawa. Ang mga anak ni Adonikam, animnaraan at animnapu't pito. Ang mga anak ni Bigvai, dalawang libo at animnapu't pito. Ang mga anak ni Adin, animnaraan at limampu't lima. Ang mga anak ni Ater, kay Hezekias, siyamnapu't walo. Ang mga anak ni Hasum, tatlong daan at dalawampu't walo. Ang mga anak ni Besai, tatlong daan at dalawampu't apat. Ang mga anak ni Harif, isandaan at labindalawa. Ang mga anak ng Gibeon, siyamnapu't lima. Ang mga lalaki ng Bethlehem at ng Netofa, isandaan at walumpu't walo. Ang mga lalaki ng Anatot, isandaan at dalawampu't walo. Ang mga lalaki ng Betazmavet, apatnapu't dalawa. Ang mga lalaki ng Kiryat-jearim, ng Cefira, at ng Beerot, pitong daan at apatnapu't tatlo. Ang mga lalaki ng Rama at ng Geba, animnaraan at dalawampu't isa. Ang mga lalaki ng Mikmas, isandaan at dalawampu't dalawa. Ang mga lalaki ng Bethel at ng Ai isandaan at dalawampu't tatlo. Ang mga lalaki ng isa pang Nebo, limampu't dalawa. Ang mga anak ng isa pang Elam, isang libo dalawandaan at limampu't apat. Ang mga anak ni Harim, tatlong daan at dalawampu. Ang mga anak ng Jerico, tatlong daan at apatnapu't lima. Ang mga anak ng Lod, Hadid at Ono, pitong daan at dalawampu't isa. Ang mga anak ni Senaa, tatlong libo siyamnaraan at tatlumpu. Ang mga pari: ang mga anak ni Jedias sa sambahayan ni Jeshua, siyamnaraan at pitumpu't tatlo. Ang mga anak ni Imer, isang libo at limampu't dalawa. Ang mga anak ni Pashur, isang libo dalawandaan at apatnapu't pito. Ang mga anak ni Harim, isang libo at labimpito. Ang mga Levita: ang mga anak ni Jeshua, ni Cadmiel sa mga anak ni Odevia, pitumpu't apat. Ang mga mang-aawit: ang mga anak ni Asaf, isandaan at apatnapu't walo. Ang mga bantay-pinto: ang mga anak ni Shallum, ang mga anak ni Ater, ang mga anak ni Talmon, ang mga anak ni Akub, ang mga anak ni Hatita, ang mga anak ni Sobai, isandaan at tadumpu't walo. Ang mga lingkod sa templo: ang mga anak ni Ziha, ang mga anak ni Hasufa, ang mga anak ni Tabaot; ang mga anak ni Keros, ang mga anak ni Sia, ang mga anak ni Fadon; ang mga anak ni Lebana, ang mga anak ni Hagaba, ang mga anak ni Salmai; ang mga anak ni Hanan, ang mga anak ni Giddel, ang mga anak ni Gahar; ang mga anak ni Reaya, ang mga anak ni Rezin, ang mga anak ni Nekoda; ang mga anak ni Gazam, ang mga anak ni Uza, ang mga anak ni Pasea; ang mga anak ni Besai, ang mga anak ni Meunim, ang mga anak ni Nephisesim; ang mga anak ni Bacbuc, ang mga anak ni Hacufa, ang mga anak ni Harhur; ang mga anak ni Baslit, ang mga anak ni Mehida, ang mga anak ni Harsa; ang mga anak ni Barkos, ang mga anak ni Sisera, ang mga anak ni Tema; ang mga anak ni Nesia, ang mga anak ni Hatifa. Ang mga anak ng mga lingkod ni Solomon; ang mga anak ni Sotai, ang mga anak ni Soferet, ang mga anak ni Perida; ang mga anak ni Jahala, ang mga anak ni Darkon, ang mga anak ni Giddel; ang mga anak ni Shefatias, ang mga anak ni Hattil, ang mga anak ni Pochereth-hazzebaim, ang mga anak ni Amon. Lahat ng mga lingkod sa templo, at ang mga anak ng mga lingkod ni Solomon ay tatlong daan at siyamnapu't dalawa. At sumusunod ay yaong umahon mula sa Telmelah, Telharsa, Kerub, Addon, at Imer, ngunit hindi nila mapatunayan ang mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, kung sila ba ay kabilangsa Israel: ang mga anak ni Delaia, ang mga anak ni Tobias, ang mga anak ni Nekoda, animnaraan at apatnapu't dalawa. At sa mga pari: ang mga anak ni Hobaias, ang mga anak ni Hakoz, ang mga anak ni Barzilai, (na nagasawa sa anak ni Barzilai na Gileadita, at tinawag ayon sa kanilang pangalan). Hinanap ng mga ito ang kanilang talaan ng lahi doon sa mga nakatala sa talaan ng lahi, ngunit iyon ay hindi natagpuan doon, kaya't sila'y ibinilang na marurumi at inalis sa pagkapari. Sinabi sa kanila ng tagapamahala na huwag kakain ng kabanal-banalang pagkain, hanggang sa tumayo ang isang pari na may Urim at may Tumim. Ang buong kapisanang magkakasama ay apatnapu't dalawang libo at tatlong daan at animnapu, bukod sa kanilang mga lingkod na lalaki at babae na may pitong libo at tatlong daan at tatlumpu't pito; at sila'y may dalawandaan at apatnapu't limang mang-aawit na lalaki at babae. Ang kanilang mga kabayo ay pitong daan at tatlumpu't anim; ang kanilang mga mola ay dalawandaan at apatnapu't lima; ang kanilang mga kamelyo ay apatnaraan at tatlumpu't lima; ang kanilang mga asno ay anim na libo pitong daan at dalawampu. Ang ilan sa mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno ay nagbigay ng tulong sa gawain. Ang tagapamahala ay nagbigay sa kabang-yaman ng isang libong darikong ginto, limampung mangkok, limang daan at tatlumpung bihisan ng mga pari. Ang ilan sa mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno ay nagbigay sa kabang-yaman ng gawain ng dalawampung libong darikong ginto, at dalawang libo at dalawandaang librang pilak. Ang ibinigay na tulong ng nalabi sa bayan ay dalawampung libong darikong ginto, dalawang libong librang pilak, at animnapu't pitong bihisan ng mga pari. Kaya't ang mga pari, mga Levita, mga bantay-pinto, mga mang-aawit, ang ilan sa mga mamamayan, at ang mga lingkod sa templo, at ang buong Israel ay nanirahan sa kanilang mga bayan. Nang dumating ang ikapitong buwan ang mga anak ni Israel ay nasa kanilang mga bayan. Ang buong bayan ay nagtipun-tipon na parang isang tao sa liwasang-bayan na nasa harapan ng Pintuang Tubig. Kanilang sinabi kay Ezra na eskriba na dalhin ang aklat ng kautusan ni Moises na ibinigay ng PANGINOON sa Israel. Dinala ng paring si Ezra ang aklat ng kautusan sa harapan ng kapulungan, na mga lalaki at mga babae, at sa lahat na makakarinig na may pang-unawa, nang unang araw ng ikapitong buwan. Siya'y bumasa mula roon sa harapan ng liwasan na nasa harapan ng Pintuang Tubig, mula sa madaling-araw hanggang sa katanghaliang-tapat sa harapan ng mga lalaki at mga babae at ng mga nakakaunawa; at ang mga pandinig ng buong bayan ay nakatuon sa pakikinig sa aklat ng kautusan. Si Ezra na eskriba ay tumayo sa pulpitong kahoy na kanilang ginawa para sa layuning ito. Sa tabi niya ay nakatayo sina Matithias, Shema, Anaias, Urias, Hilkias, at si Maasias ay nasa kanyang kanan. At sa kanyang kaliwa ay sina Pedaya, Misael, Malkia, Hasum, Hasbedana, Zacarias, at Mesulam. Binuksan ni Ezra ang aklat sa paningin ng buong bayan; (sapagkat siya'y nasa itaas ng buong bayan;) at nang ito'y kanyang buksan, ang buong bayan ay tumayo: Pinuri ni Ezra ang PANGINOON, ang dakilang Diyos. At ang buong bayan ay sumagot, "Amen, Amen," na nakataas ang kanilang mga kamay; at kanilang iniyukod ang kanilang mga ulo at sumamba sa PANGINOON na ang kanilang mga mukha'y nakatungo sa lupa. Gayundin sina Jeshua, Bani, Sherebias, Jamin, Akub, Sabetai, Hodias, Maasias, Kelita, Azarias, Jozabed, Hanan, Pelaia, ang mga Levita ay tumulong sa taong-bayan upang maunawaan ang kautusan, samantalang ang taong-bayan ay nanatili sa kanilang kinatatayuan. Kaya't sila'y bumasa mula sa aklat, sa kautusan ng Diyos, na may pakahulugan. Kanilang ibinigay ang diwa, kaya't naunawaan ng mga tao ang binasa. Si Nehemias na tagapamahala, ang pari at eskribang si Ezra, at ang mga Levita na nagturo sa bayan ay nagsabi sa buong bayan "Ang araw na ito ay banal sa PANGINOON ninyong Diyos; huwag kayong tumangis, ni umiyak man." Sapagkat ang buong bayan ay umiyak nang kanilang marinig ang mga salita ng kautusan. Pagkatapos ay kanyang sinabi sa kanila, "Humayo kayo sa inyong lakad, kumain kayo ng masarap na pagkain at uminom kayo ng matamis na alak, at magpadala kayo ng mga bahagi sa mga walang naihanda, sapagkat ang araw na ito ay banal sa ating PANGINOON. Huwag kayong malungkot, sapagkat ang kagalakan sa PANGINOON ang inyong kalakasan." Sa gayo'y napatahimik ng mga Levita ang buong bayan, na sinasabi, "Kayo'y tumahimik, sapagkat ang araw na ito ay banal; huwag kayong malungkot." Ang buong bayan ay humayo sa kanilang lakad upang kumain at uminom at magdala ng mga bahagi, at para gumawa ng malaking kasayahan, sapagkat kanilang naunawaan ang mga salitang ipinahayag sa kanila. Sa ikalawang araw ay nagtipun-tipon ang mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng buong bayan kasama ang mga pari, at ang mga Levita kay Ezra na eskriba upang pag-aralan ang mga salita ng kautusan. Kanilang napag-alamang nakasulat sa kautusan na iniutos ng PANGINOON sa pamamagitan ni Moises na ang mga anak ni Israel ay manirahan sa mga kubol sa kapistahan ng ikapitong buwan, at dapat nilang ibalita at ipahayag ang ganito sa lahat ng kanilang mga bayan at sa Jerusalem, "Lumabas kayo sa bundok at kumuha kayo ng mga sanga ng olibo, mga sanga ng olibong-ligaw, mirto, palma, at iba pang madahong punungkahoy upang gumawa ng mga kubol, gaya ng nakasulat." Kaya't lumabas ang bayan at dinala ang mga iyon at gumawa ng mga kubol, bawat isa'y sa bubungan ng kanilang bahay, mga bulwagan, sa mga bulwagan ng bahay ng Diyos, sa liwasan sa Pintuang Tubig, at sa liwasan sa Pintuan ng Efraim. Ang buong kapulungan nang bumalik mula sa pagkabihag ay gumawa ng mga kubol, at nanirahan sa mga kubol; sapagkat mula sa mga araw ni Josue na anak ni Nun hanggang sa araw na iyon ay hindi gumawa ang mga anak ni Israel ng gayon. Nagkaroon ng napakalaking kasayahan. At araw-araw, mula sa unang araw hanggang sa huling araw, siya ay bumasa mula sa aklat ng kautusan ng Diyos. Kanilang ipinagdiwang ang kapistahan sa loob ng pitong araw, at sa ikawalong araw ay nagkaroon ng isang taimtim na pagtitipon, ayon sa batas. Nang ikadalawampu't apat na araw ng buwang ito ang bayang Israel ay nagtipun-tipon na may pag-aayuno at nakasuot ng damit-sako, at may lupa sa mga ulo nila. Ang mga Israelita ay humiwalay sa lahat ng mga dayuhan, at nagtayo at nagpahayag ng kanilang mga kasalanan at ng mga kasamaan ng kanilang mga ninuno. Sila'y tumayo sa kanilang lugar at bumasa sa aklat ng kautusan ng PANGINOON nilang Diyos sa loob ng isang ikaapat na bahagi ng araw; at sa ibang ikaapat na bahagi nito ay nagpahayag ng kasalanan at sumamba sa PANGINOON nilang Diyos. Tumayo sa mga baytang ng mga Levita sina Jeshua, Bani, Cadmiel, Sebanias, Buni, Sherebias, Bani, at si Chenani at sumigaw nang malakas na tinig sa PANGINOON nilang Diyos. Ang mga Levitang sina Jeshua, Cadmiel, Bani, Hashabneias, Sherebias, Hodias, Sebanias, at Petaya, ay nagsabi, "Tumayo kayo at purihin ang PANGINOON ninyong Diyos mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan. Purihin ang iyong maluwalhating pangalan na nataas nang higit sa lahat ng pagpapala at pagpuri." "Ikaw ang PANGINOON, ikaw lamang. Ikaw ang gumawa ng langit, ng langit ng mga langit, pati ng lahat ng natatanaw roon, ng lupa at ng lahat na bagay na naroon, ng mga dagat at ng lahat na naroon, at pinananatili mo silang lahat; at ang hukbo ng langit ay sumasamba sa iyo. Ikaw ang PANGINOON, ang Diyos na siyang pumili kay Abram at naglabas sa kanya sa Ur ng mga Caldeo, at nagbigay sa kanya ng pangalang Abraham. Natagpuan mong tapat ang kanyang puso sa harapan mo, at nakipagtipan ka sa kanya upang ibigay sa kanyang mga binhi ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Jebuseo, at Gergeseo, at tinupad mo ang iyong pangako, sapagkat ikaw ay matuwid. "Iyong nakita ang paghihirap ng aming mga ninuno sa Ehipto, at iyong pinakinggan ang kanilang daing sa tabi ng Dagat na Pula. Nagpakita ka ng mga tanda at mga kababalaghan laban kay Faraon at sa lahat niyang mga lingkod at sa lahat ng mga tao ng kanyang lupain, sapagkat iyong nalaman na sila'y gumawa na may kapalaluan laban sa aming mga ninuno at ikaw ay gumawa para sa iyo ng pangalan na nananatili hanggang sa araw na ito. Iyong hinawi ang dagat sa harapan nila, kaya't sila'y dumaan sa gitna ng dagat sa tuyong lupa. Ang mga humahabol sa kanila ay iyong itinapon sa mga kalaliman na gaya ng isang bato sa malalim na tubig. Sa pamamagitan ng isang haliging ulap ay pinatnubayan mo sila sa araw, at sa pamamagitan ng isang haliging apoy sa gabi upang tumanglaw sa kanila sa daan na kanilang dapat lakaran. Ikaw ay bumaba sa bundok ng Sinai at nagsalita ka sa kanila mula sa langit, at binigyan mo sila ng mga matuwid na batas at mga tunay na kautusan, mabuting mga tuntunin at mga utos. Ipinakilala mo sa kanila ang iyong banal na Sabbath, at nag-utos ka sa kanila ng mga utos, at ng mga tuntunin at ng kautusan sa pamamagitan ni Moises na iyong lingkod. Binigyan mo sila ng tinapay mula sa langit para sa kanilang pagkagutom at nagpalabas ka ng tubig para sa kanila mula sa malaking bato para sa kanilang uhaw, at sinabi mo sa kanila na pumasok upang angkinin ang lupain na iyong ipinangakong ibibigay sa kanila. "Ngunit sila at ang aming mga ninuno ay kumilos na may kapangahasan, at pinatigas ang kanilang leeg at hindi tinupad ang iyong mga utos. Ayaw nilang sumunod, at hindi inalala ang mga kababalaghan na iyong ginawa sa gitna nila, kundi naging matigas ang kanilang ulo at pumili ng isang pinuno upang bumalik sa kanilang pagkabihag sa Ehipto. Ngunit ikaw ay Diyos na handang magpatawad, mapagpala at mahabagin, hindi magagalitin, sagana sa tapat na pag-ibig, at hindi mo sila pinabayaan, maging nang sila'y gumawa ng isang guyang hinulma at magsabi, 'Ito ang iyong Diyos na nag-ahon sa iyo mula sa Ehipto,' at gumawa ng mabibigat na paglapastangan. Ikaw, sa iyong dakilang kaawaan ay hindi mo sila pinabayaan sa ilang. Ang haliging ulap na pumatnubay sa kanila sa daan ay hindi humiwalay sa kanila sa araw, maging ang haliging apoy man sa gabi na nagbigay ng liwanag sa kanila sa kanilang dapat lakaran. Ibinigay mo ang iyong mabuting Espiritu upang turuan sila, at hindi mo ipinagkait ang iyong manna mula sa kanilang bibig, at binigyan mo sila ng tubig para sa kanilang uhaw. Sa loob ng apatnapung taon ay inalalayan mo sila sa ilang, at hindi sila nagkulang ng anuman; ang kanilang mga suot ay hindi naluma, at ang kanilang mga paa ay hindi namaga. Binigyan mo sila ng mga kaharian at mga bayan, na iyong ibinahagi sa kanila ang bawat sulok; kaya't kanilang inangkin ang lupain ni Sihon, na hari ng Hesbon, at ang lupain ni Og na hari ng Basan. Pinarami mo ang kanilang mga anak gaya ng mga bituin sa langit, at dinala mo sila sa lupain na iyong sinabi sa kanilang mga ninuno na pasukin at angkinin. Kaya't ang taong-bayan ay pumasok at inangkin ang lupain. Iyong pinasuko sa harapan nila ang mga naninirahan sa lupain, ang mga Cananeo, at ibinigay mo sa kanilang mga kamay, pati ang kanilang mga hari at ang mga tao ng lupain, upang magawa nila sa kanila kung ano ang kanilang naisin. Kanilang nasakop ang mga bayang nakukutaan at ang mayamang lupain, at inangkin ang mga bahay na puno ng lahat ng mabubuting bagay, ang mga balon na hinukay, mga ubasan, mga olibohan, mga punung-kahoy na may bungang sagana; kaya't sila'y kumain, nabusog, tumaba, at nalugod sa iyong dakilang kabutihan. "Gayunma'y naging masuwayin sila at naghimagsik laban sa iyo, at tinalikuran ang iyong kautusan at pinatay ang iyong mga propeta na nagbabala sa kanila upang mapanumbalik sa iyo, at sila'y gumawa ng mabibigat na paglapastangan. Kaya't ibinigay mo sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, na siyang nagpahirap sa kanila. At sa panahon ng kanilang paghihirap ay dumaing sila sa iyo, at dininig mo sila mula sa langit; at ayon sa iyong dakilang kaawaan ay binigyan mo sila ng mga tagapagligtas na nagligtas sa kanila sa kamay ng kanilang mga kaaway. Ngunit pagkatapos na sila'y magkaroon ng kapahingahan, muli silang gumawa ng kasamaan sa harapan mo at iniwan mo sila sa kamay ng kanilang mga kaaway. Kaya't sila'y nagkaroon ng kapamahalaan sa kanila; ngunit nang sila'y manumbalik at dumaing sa iyo, iyong dininig mula sa langit at maraming ulit na iyong iniligtas sila ayon sa iyong mga kaawaan. At iyong binalaan sila upang maibalik sila sa iyong kautusan. Ngunit kumilos silang may kapangahasan, at hindi tinupad ang iyong mga utos, kundi nagkasala laban sa iyong mga batas, na kung tutuparin ito ng isang tao, siya'y mabubuhay, at iniurong ang balikat at pinatigas ang kanilang leeg at hindi sumunod. Maraming taon mo silang tiniis, at nagbabala sa kanila ang iyong Espiritu sa pamamagitan ng iyong mga propeta, gayunma'y ayaw nilang makinig. Kaya't ibinigay mo sila sa kamay ng mga tao ng mga lupain. Gayunma'y sa iyong dakilang mga kaawaan ay hindi mo sila winakasan o tinalikuran man sila; sapagkat ikaw ay mapagpala at maawaing Diyos. "Kaya't ngayon, aming Diyos, ang dakila, makapangyarihan, at kasindak-sindak na Diyos, na nag-iingat ng tipan at ng tapat na pag-ibig, huwag mong ituring na munting bagay sa harapan mo ang hirap na dumating sa amin, sa aming mga hari, mga pinuno, mga pari, mga propeta, mga ninuno, at sa iyong buong bayan, mula sa panahon ng mga hari ng Asiria hanggang sa araw na ito. Gayunma'y naging makatarungan ka sa lahat ng sumapit sa amin; sapagkat kumilos kang may katapatan, ngunit kumilos kaming may kasamaan. Ang aming mga hari, mga pinuno, mga pari, at ang aming mga ninuno ay hindi sumunod sa iyong kautusan, o nakinig man sa iyong mga utos at sa iyong mga babala na iyong ibinigay sa kanila. Hindi sila naglingkod sa iyo sa kanilang kaharian, at sa iyong dakilang kabutihan na iyong ibinigay sa kanila, at sa malaki at mayamang lupain na iyong ibinigay sa harapan nila, at hindi sila humiwalay sa kanilang masasamang gawa. Narito kami, mga alipin sa araw na ito, sa lupain na iyong ibinigay sa aming mga ninuno upang tamasahin ang bunga niyon, at ang mabubuting kaloob niyon. Narito, kami ay mga alipin. Ang kanyang mayamang bunga ay napupunta sa mga hari na iyong inilagay sa amin dahil sa aming mga kasalanan; may kapangyarihan din sila sa aming mga katawan at sa aming hayop ayon sa ikasisiya nila, at kami ay nasa malaking pagkabalisa." Dahil sa lahat ng ito, kami ay gumawa ng matibay na kasunduan at isinusulat ito, at ang aming mga pinuno, ang aming mga Levita, at ang aming mga pari ay naglagay ng kanilang tatak dito. Yaong mga naglagay ng kanilang tatak ay sina Nehemias na tagapamahala, na anak ni Hachalias, at si Zedekias, Seraya, Azarias, Jeremias, Pashur, Amarias, Malkia, Hatus, Sebanias, Malluc, Harim, Meremot, Obadias, si Daniel, Gineton, Baruc, Mesulam, Abias, Mijamin, Maasias, Bilgai at si Shemaya: ang mga ito'y mga pari. Ang mga Levita: sina Jeshua na anak ni Azanias, si Binui sa mga anak ni Henadad, si Cadmiel, at ang kanilang mga kapatid na sina Sebanias, Hodias, Kelita, Pelaia, Hanan, Mica, Rehob, Hashabias, Zacur, Sherebias, Sebanias, Hodias, Bani, at si Beninu. Ang mga puno ng bayan: sina Pares, Pahat-moab, Elam, Zatu, Bani, Buni, Azgad, Bebai, Adonias, Bigvai, Adin, Ater, Hezekias, Azur, Hodias, Hasum, Bezai, Arif, Anatot, Nebai, Magpias, Mesulam, Hezir, Mesezabel, Zadok, Jadua, Pelatias, Hanan, Anaias, Hosheas, Hananias, Hashub, Hallohes, Pilha, Sobec, Rehum, Hasabna, si Maasias, Ahijas, Hanan, Anan, Malluc, Harim, at si Baana. At ang iba pa sa taong-bayan, ang mga pari, mga Levita, mga bantay-pinto, mga mang-aawit, mga lingkod sa templo, at lahat ng humiwalay sa mga mamamayan ng mga lupain sa kautusan ng Diyos, ang kanilang mga asawa, ang kanilang mga anak na lalaki at babae, lahat ng may kaalaman at pagkaunawa, ay sumamasa kanilang mga kapatid, sa kanilang mga maharlika, at nanumpa na may panata na lalakad sa kautusan ng Diyos na ibinigay sa pamamagitan ni Moises na lingkod ng Diyos, at upang ganapin at gawin ang lahat ng utos ng PANGINOON na aming Panginoon, at ang kanyang mga batas at mga tuntunin. Hindi ibibigay ang aming mga anak na babae sa mga mamamayan ng lupain, o papag-aasawahin man ang kanilang mga anak na babae sa aming mga anak na lalaki. Kung ang mga mamamayan ng lupain ay magdala ng mga kalakal o ng anumang butil sa araw ng Sabbath upang ipagbili, kami ay hindi bibili sa kanila sa Sabbath, o sa isang banal na araw. Aming hahayaan ang mga anihin sa ikapitong taon at ang pagsingil ng bawat utang. Ipinapataw din namin sa aming sarili ang katungkulang singilin ang aming sarili sa taun-taon ng ikatlong bahagi ng isang siklo para sa paglilingkod sa bahay ng aming Diyos: para sa tinapay na handog, sa patuloy na handog na butil, sa patuloy na handog na sinusunog, sa mga Sabbath, sa mga bagong buwan, sa mga takdang kapistahan, sa mga banal na bagay, at sa mga handog pangkasalanan upang itubos sa Israel at sa lahat ng gawain sa bahay ng aming Diyos. Kami ay nagpalabunutan din na kasama ang mga pari, mga Levita, at ang taong-bayan, para sa kaloob na panggatong upang dalhin ito sa bahay ng aming Diyos, ayon sa mga sambahayan ng aming mga ninuno sa mga panahong itinakda, taun-taon, upang sunugin sa ibabaw ng dambana ng PANGINOON naming Diyos, gaya ng nakasulat sa kautusan. Itinatakda namin sa aming sarili na dalhin ang mga unang bunga ng aming lupa at ang mga unang bunga ng lahat ng bunga ng bawat punungkahoy, taun-taon, sa bahay ng PANGINOON; at upang dalhin din sa bahay ng aming Diyos, sa mga pari na nangangasiwa sa bahay ng aming Diyos, ang panganay sa aming mga anak na lalaki at ng aming hayop, gaya ng nakasulat sa kautusan, at ang mga panganay ng aming bakahan at ng aming mga kawan; at upang aming dalhin ang mga unang bahagi ng aming harina, ang aming mga ambag, ang bunga ng bawat punungkahoy, ang alak at ang langis, sa mga pari, sa mga silid ng bahay ng aming Diyos; at upang dalhin ang mga ikasampung bahagi ng aming lupa sa mga Levita; sapagkat ang mga Levita ang lumilikom ng mga ikasampung bahagi sa lahat ng aming mga bayan sa kabukiran. Ang pari na anak ni Aaron ay sasama sa mga Levita kapag tumatanggap ang mga Levita ng mga ikasampung bahagi. At iaakyat ng mga Levita ang ikasampung bahagi ng mga ikasampung bahagi sa bahay ng aming Diyos, sa mga silid ng bahay-imbakan. Sapagkat dadalhin ng mga anak ni Israel at ng mga anak ni Levi ang mga handog na trigo, alak, at langis sa mga silid na kinaroroonan ng mga sisidlan ng santuwaryo, at ng mga pari na nangangasiwa at ng mga bantay-pinto at mga mang-aawit. Hindi namin pababayaan ang bahay ng aming Diyos. Ang mga pinuno ng bayan ay nanirahan sa Jerusalem; at ang iba naman sa taong-bayan ay nagpalabunutan upang kunin ang isa sa bawat sampu na maninirahan sa Jerusalem, na lunsod na banal, habang ang siyam na bahagi ay nanatili sa ibang mga bayan. Binasbasan ng taong-bayan ang lahat ng mga lalaki na nagkusang tumira sa Jerusalem. Ang mga ito ang mga puno salalawigan na nanirahan sa Jerusalem; ngunit sa bayan ng Juda ay nanirahan ang bawat isa sa kanya-kanyang ari-arian sa kanilang mga bayan: ang Israel, mga pari, mga Levita, mga lingkod sa templo, at ang mga anak ng mga lingkod ni Solomon. Sa Jerusalem ay nanirahan ang ilan sa mga anak ni Juda at sa mga anak ni Benjamin. Sa mga anak ni Juda: si Ataias na anak ni Uzias, na anak ni Zacarias, na anak ni Amarias, na anak ni Shefatias na anak ni Mahalalel, sa mga anak ni Perez; at si Maasias na anak ni Baruc, na anak ni Colhoze, na anak ni Hazaias, na anak ni Adaya, na anak ni Joiarib, na anak ni Zacarias, na anak ng Shilonita. Ang lahat ng mga anak ni Perez na nanirahan sa Jerusalem ay apatnaraan at animnapu't walong matatapang na mandirigma. At ang mga ito ang mga anak ni Benjamin: si Sallu na anak ni Mesulam, na anak ni Joed, na anak ni Pedaya, na anak ni Kolaias, na anak ni Maasias, na anak ni Ithiel, na anak ni Jeshaias. Kasunod niya ay si Gabai, si Sallai, na siyamnaraan at dalawampu't walo. At si Joel na anak ni Zicri ang kanilang tagapamahala; at si Juda na anak ni Hasenua ang pangalawa sa lunsod. Sa mga pari: sina Jedias na anak ni Joiarib, Jakin, Seraya na anak ni Hilkias, na anak ni Mesulam, na anak ni Zadok, na anak ni Meraiot na anak ni Ahitub, na pinuno sa bahay ng Diyos, at ang kanilang mga kapatid na nagsigawa ng gawain sa bahay, walong daan at dalawampu't dalawa; at si Adaya na anak ni Jeroham, na anak ni Pelalias, na anak ni Amsi, na anak ni Zacarias, na anak ni Pashur, na anak ni Malkia, at ang kanyang mga kapatid, na mga puno sa mga sambahayan ng mga ninuno, dalawandaan at apatnapu't dalawa; at si Amasai na anak ni Azarel, na anak ni Azai, na anak ni Mesillemot, na anak ni Imer, at ang kanilang mga kapatid, matatapang na mandirigma, isandaan at dalawampu't walo; at ang kanilang tagapamahala ay si Zabdiel na anak ni Hagedolim. At sa mga Levita: si Shemaya na anak ni Hashub, na anak ni Azricam, na anak ni Hashabias, na anak ni Buni; at si Sabetai at si Jozabad, sa mga pinuno ng mga Levita, na silang namahala sa mga gawain sa labas sa bahay ng Diyos; at si Matanias, na anak ni Mica, na anak ni Zabdi, na anak ni Asaf, na siyang pinuno upang pasimulan ang pagpapasalamat sa panalangin, at si Bakbukias, ang ikalawa sa kanyang mga kapatid; at si Abda na anak ni Samua, na anak ni Galal, na anak ni Jedutun. Lahat ng mga Levita sa lunsod na banal ay dalawandaan at walumpu't apat. Ang mga bantay-pinto na sina Akub, Talmon, at ang kanilang mga kapatid, na nagbabantay sa mga pintuan ay isandaan at pitumpu't dalawa. At ang iba pa sa Israel, sa mga pari, at sa mga Levita ay nasa lahat ng mga bayan ng Juda, bawat isa'y sa kanya-kanyang mana. Ngunit ang mga lingkod sa templo ay tumira sa Ofel; at sina Ziha at Gispa ay namuno sa mga lingkod sa templo. Ang tagapamahala sa mga Levita na nasa Jerusalem ay si Uzi na anak ni Bani, na anak ni Hashabias, na anak ni Matanias, na anak ni Mica, sa mga anak ni Asaf, na mga mang-aawit, na nasa mga gawain sa bahay ng Diyos. Sapagkat may utos mula sa hari tungkol sa kanila, at takdang panustos para sa mga mang-aawit, ayon sa kailangan sa bawat araw. At si Petaya na anak ni Mesezabel, sa mga anak ni Zera na anak ni Juda, ay nasa kapangyarihan ng hari sa lahat ng mga bagay na tungkol sa mga tao. At tungkol sa mga nayon, pati ang kanilang mga bukid, ang ilan sa mga anak ni Juda ay nanirahan sa Kiryat-arba at sa mga nayon nito, at sa Dibon at sa mga nayon nito, at sa Jecabzeel at sa mga nayon nito; at sa Jeshua, Molada, at Bet-pelet; sa Hazarshual, sa Beer-seba, at sa mga nayon nito; sa Siclag, Mecona, at sa mga nayon nito; sa Enrimmon, Sora, at sa Jarmut; sa Zanoa, saAdullam, at sa mga nayon nito, sa Lakish at sa mga parang nito, sa Azeka at sa mga nayon nito. Gayon sila nagkampo mula sa Beer-seba hanggang sa libis ng Hinom. Ang mga anak ni Benjamin ay nanirahan din mula sa Geba, hanggang sa Mikmas, Aia, at sa Bethel at sa mga nayon nito; sa Anatot, Nob, at sa Ananias; sa Hazor, Rama, Gitaim; Hadid, Zeboim, Neballat; Lod, at sa Ono na libis ng mga manggagawa. Ilan sa mga pangkat ng Levita sa Juda ay isinama sa Benjamin. Ang mga ito ang mga pari at ang mga Levita na umahong kasama ni Zerubabel na anak ni Shealtiel, at ni Jeshua: sina Seraya, Jeremias, Ezra; Amarias; Malluc, Hatus; Shecanias, Rehum, Meremot; Iddo, Ginetoi, Abias; Mijamin, Maadias, Bilga; Shemaya, Joiarib, Jedias; Sallu, Amok, Hilkias, at si Jedias. Ang mga ito ang mga puno ng mga pari at ng kanilang mga kapatid sa mga araw ni Jeshua. At ang mga Levita: sina Jeshua, Binui, Cadmiel, Sherebias, Juda, at Matanias, na kasama ng kanyang mga kapatid na namahala sa mga awit ng pasasalamat. Sina Bakbukias at Uni na kanilang mga kapatid ay tumayong kaharap nila sa paglilingkod. Si Jeshua ay siyang ama ni Joiakim, si Joiakim ay ama ni Eliasib, si Eliasib ang ama ni Joiada, si Joiada ang ama ni Jonathan at si Jonathan ang ama ni Jadua. At sa mga araw ni Joiakim ay ang mga pari, na mga puno ng mga sambahayan ng mga magulang: kay Seraya, si Meraias; kay Jeremias, si Hananias; kay Ezra, si Mesulam; kay Amarias, si Jehohanan; kay Melica, si Jonathan; kay Sebanias, si Jose; kay Harim, si Adna; kay Meraiot, si Helcai; kay Iddo, si Zacarias; kay Gineton, si Mesulam; kay Abias, si Zicri; kay Miniamin, kay Moadias, si Piltai; kay Bilga, si Samua; kay Shemaya, si Jonathan; at kay Joiarib, si Matenai; kay Jedias, si Uzi; kay Sallai, si Kallai; kay Amok, si Eber; Kay Hilkias, si Hashabias; kay Jedias, si Natanael. Tungkol sa mga Levita, sa mga araw nina Eliasib, Joiada, Johanan, at ni Jadua, ay naitala ang mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno; gayundin ang mga pari hanggang sa paghahari ni Dario na taga-Persia. Ang mga anak ni Levi, na mga puno ng mga sambahayan ng mga magulang ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan hanggang sa mga araw ni Johanan na anak ni Eliasib. Ang mga puno ng mga Levita: sina Hashabias, Sherebias, at si Jeshua na anak ni Cadmiel, at ang kanilang mga kapatid na naglingkod sa tapat nila upang magpuri at magpasalamat, ayon sa utos ni David na tao ng Diyos, pangkat sa bawat pangkat. Sina Matanias, Bakbukias, Obadias, Mesulam, Talmon, at Akub ay mga bantay-pinto, na nagbabantay sa mga kamalig na nasa malapit sa pintuan. Ang mga ito'y sa mga araw ni Joiakim na anak ni Jeshua, na anak ni Josadak, at sa mga araw ni Nehemias na tagapamahala at ng paring si Ezra na eskriba. Sa pagtatalaga ng pader ng Jerusalem ay kanilang hinanap ang mga Levita sa lahat nilang mga dako, upang dalhin sila sa Jerusalem at ipagdiwang ang pagtatalaga na may kagalakan, may mga pagpapasalamat at may mga awitan, may mga pompiyang, mga salterio, at mga alpa. Ang mga anak ng mga mang-aawit ay sama-samang nagtipon mula sa kapatagan ng palibot ng Jerusalem at mula sa mga nayon ng mga Netofatita; at mula rin naman sa Bet-gilgal at mula sa mga bahagi ng Geba at ng Azmavet: sapagkat nagtayo para sa kanilang sarili ang mga mang-aawit ng mga nayon sa palibot ng Jerusalem. At ang mga pari at ang mga Levita ay naglinis ng kanilang mga sarili; at nilinis nila ang taong-bayan at ang mga pintuan at ang pader. Pagkatapos ay isinama ko ang mga pinuno ng Juda sa ibabaw ng pader, at humirang ng dalawang malaking pulutong na nagpasalamat at sunud-sunod na lumakad. Ang isa'y tumungo sa kanan sa ibabaw ng pader sa dako ng Pintuan ng Tapunan ng Dumi; at sumusunod sa kanila si Hoshaias at ang kalahati sa mga pinuno ng Juda, at sina Azarias, Ezra, Mesulam, Juda, Benjamin, Shemaya, at Jeremias, at ang iba sa mga anak ng mga pari na may mga trumpeta: si Zacarias na anak ni Jonathan, na anak ni Shemaya, na anak ni Matanias, na anak ni Micaya, na anak ni Zacur, na anak ni Asaf; at ang kanyang mga kapatid na sina Shemaya, Azarel, Milalai, Gilalai, Maai, Natanael, Juda, at si Hanani, na may mga kagamitang panugtog ni David na tao ng Diyos; at si Ezra na eskriba ay nasa unahan nila. Sa Pintuang Bukal, sa harapan nila, ay umakyat sila sa pamamagitan ng mga baytang ng lunsod ni David, sa akyatan sa pader, sa ibabaw ng bahay ni David, hanggang sa Pintuan ng Tubig sa dakong silangan. Ang isa pang pulutong ng mga nagpapasalamat ay nagtungo sa kaliwa, at ako'y sumunod sa hulihan nila na kasama ko ang kalahati ng taong-bayan, sa ibabaw ng pader, sa itaas ng Tore ng mga Pugon, hanggang sa Maluwang na Pader; at sa ibabaw ng Pintuan ng Efraim, at sa tabi ng Matandang Pintuan at sa may Pintuan ng Isda, at sa Tore ng Hananel, at sa Tore ng Isandaan, hanggang sa Pintuan ng mga Tupa; at sila'y huminto sa Pintuan ng Bantay. Kaya't ang mga pulutong na nagpasalamat ay parehong tumayo sa bahay ng Diyos, at ako at ang kalahati sa mga pinuno na kasama ko; at ang mga paring sina Eliakim, Maasias, Miniamin, Micaya, Elioenai, Zacarias, at si Hananias, na may mga trumpeta; at si Maasias, Shemaya, Eleazar, Uzi, Jehohanan, Malkia, Elam, at si Eser. At ang mga mang-aawit ay nagsiawit na kasama si Jezrahias bilang kanilang pinuno. At sila'y naghandog ng malalaking alay nang araw na iyon, at nagalak, sapagkat sila'y pinagalak ng Diyos ng malaking pagkagalak. Ang mga babae at ang mga bata ay nagalak din. At ang kagalakan ng Jerusalem ay narinig hanggang sa malayo. Nang araw na iyon ay hinirang ang mga lalaki upang mangasiwa sa mga silid para sa mga imbakan, sa mga ambag, sa mga unang bunga, at sa mga ikasampung bahagi, upang tipunin sa mga iyon ang mga bahaging itinakda ng kautusan para sa mga pari at sa mga Levita ayon sa mga bukid ng mga bayan; sapagkat ang Juda ay nagalak sa mga pari at sa mga Levita na naglingkod. Kanilang ginawa ang paglilingkod sa kanilang Diyos, at ang paglilingkod ng paglilinis, gaya ng ginawa ng mga mang-aawit at mga bantay-pinto, ayon sa utos ni David, at ni Solomon na kanyang anak. Sapagkat sa mga araw ni David at ni Asaf nang una ay may pinuno ng mga mang-aawit, at may mga awit ng pagpupuri at pasasalamat sa Diyos. Ang buong Israel sa mga araw ni Zerubabel at sa mga araw ni Nehemias ay nagbigay ng mga pang-araw-araw na bahagi sa mga mang-aawit at sa mga bantay-pinto, at kanilang itinalaga sa mga Levita; at ibinukod ng mga Levita ang para sa mga anak ni Aaron. Nang araw na iyon ay bumasa sila sa aklat ni Moises sa pandinig ng taong-bayan; at doo'y natagpuang nakasulat na walang Ammonita o Moabita na dapat pumasok sa kapulungan ng Diyos magpakailanman; sapagkat hindi nila pinasalubungan ang mga anak ni Israel ng tinapay at tubig, kundi inupahan si Balaam laban sa kanila, upang sumpain sila — gayunma'y ginawang pagpapala ng aming Diyos ang sumpa. Nang marinig ng taong-bayan ang kautusan, inihiwalay nila sa Israel ang lahat ng nagmula sa ibang mga bansa. Bago nangyari ito, ang paring si Eliasib, na hinirang na mangasiwa sa mga silid ng bahay ng aming Diyos, at isang kamag-anak ni Tobias, ay naghanda para kay Tobias ng isang malaking silid na dati nilang pinag-iimbakan ng mga handog na butil, mga kamanyang, mga sisidlan, mga ikasampung bahagi ng trigo, alak, at ng langis, na ibinigay sa pamamagitan ng utos sa mga Levita, sa mga mang-aawit, at sa mga bantay-pinto; at ang mga kaloob para sa mga pari. Nang mangyari ito ay wala ako sa Jerusalem, sapagkat sa ikatatlumpu't dalawang taon ni Artaxerxes na hari ng Babilonia ay pumaroon ako sa hari. At pagkatapos ng ilang araw ay nagpaalam ako sa hari at dumating sa Jerusalem. Doon ko natuklasan ang kasamaang ginawa ni Eliasib para kay Tobias, na ipinaghanda niya ito ng isang silid sa mga bulwagan ng bahay ng Diyos. Ako'y galit na galit, kaya't aking inihagis ang lahat ng kasangkapan ni Tobias sa labas ng silid. Pagkatapos ay nag-utos ako at nilinis nila ang mga silid; at aking ibinalik roon ang mga kagamitan mula sa bahay ng Diyos, pati ang mga handog na butil at ang kamanyang. Natagpuan ko rin na ang bahagi ng mga Levita ay hindi naibigay sa kanila; kaya't ang mga Levita at ang mga mang-aawit na nagsigawa ng gawain ay tumakas sa kanya-kanyang bukid. Kaya't nakipagtalo ako sa mga pinuno, at sinabi ko, "Bakit pinababayaan ang bahay ng Diyos?" At tinipon ko sila at inilagay sa kani-kanilang mga lugar. Nang magkagayo'y dinala ng buong Juda ang ikasampung bahagi ng trigo, ng alak, at ng langis sa mga bahay-imbakan. Hinirang kong mga ingat-yaman sa mga bahay-imbakan sina Shelemias na pari, si Zadok na eskriba, at sa mga Levita, si Pedaya; at kasunod nila ay si Hanan na anak ni Zacur, na anak ni Matanias: sapagkat sila'y ibinilang na mga tapat; at ang kanilang katungkulan ay mamahagi sa kanilang mga kapatid. Alalahanin mo ako, O aking Diyos, tungkol dito, at huwag mong pawiin ang aking mabubuting gawa na aking ginawa para sa bahay ng aking Diyos at para sa kanyang paglilingkod. Nang mga araw na iyon ay nakakita ako sa Juda ng mga lalaking nagpipisa sa mga ubasan sa araw ng Sabbath, at nagdadala ng mga uhay, at isinasakay sa mga asno, gayundin ng alak, mga ubas, mga igos, at lahat ng uri ng pasan, na kanilang ipinapasok sa Jerusalem sa araw ng Sabbath. Binalaan ko sila nang panahong iyon laban sa pagtitinda ng pagkain. Gayundin ang mga lalaki mula sa Tiro, na naninirahan sa lunsod, ay nagpasok ng isda at ng lahat ng uri ng kalakal, at ipinagbili sa araw ng Sabbath sa mga mamamayan ng Juda at ng Jerusalem. Kaya't nakipagtalo ako sa mga maharlika sa Juda, at sinabi ko sa kanila, "Ano itong masamang bagay na inyong ginagawa, na inyong nilalapastangan ang araw ng Sabbath? Hindi ba ganito ang ginawa ng inyong mga ninuno, at hindi ba dinala ng ating Diyos ang lahat ng kasamaang ito sa atin, at sa lunsod na ito? Gayunma'y nagdadala kayo ng higit pang poot sa Israel sa pamamagitan ng paglapastangan sa Sabbath." Nang nagsisimula nang dumilim sa mga pintuan ng Jerusalem bago ang Sabbath, aking iniutos na ang mga pintuan ay dapat sarhan at nagbigay ng mga utos na ang mga iyon ay huwag buksan hanggang sa lumipas ang Sabbath. Inilagay ko ang ilan sa aking mga lingkod sa mga pintuan upang walang maipasok na pasan sa araw ng Sabbath. Sa gayo'y ang mga mangangalakal at mga nagtitinda ng lahat ng uri ng kalakal ay nagpalipas ng magdamag sa labas ng Jerusalem minsan o makalawa. Ngunit binalaan ko sila at sinabi sa kanila, "Bakit kayo'y nagpalipas ng magdamag sa harapan ng pader? Kapag muli ninyong ginawa ang ganyan, pagbubuhatan ko kayo ng kamay." Mula nang panahong iyon ay hindi na sila dumating pa nang Sabbath. Inutusan ko ang mga Levita na sila'y maglinis ng sarili, at pumaroon at bantayan ang mga pintuan upang ipangilin ang araw ng Sabbath. Alalahanin mo rin ito alang-alang sa akin, O aking Diyos, at kahabagan mo ako ayon sa kadakilaan ng iyong tapat na pag-ibig. Nang mga araw ding iyon ay nakita ko ang mga Judio na nag-asawa ng mga babaing taga-Asdod, Ammon, at Moab; at kalahati sa kanilang mga anak ay nagsasalita ng wikang Asdod, at hindi sila makapagsalita sa wika ng Juda, kundi ayon sa wika ng bawat bayan. At ako'y nakipagtalo sa kanila, sinumpa ko sila, sinaktan ko ang iba sa kanila, sinabunutan ko sila, at pinasumpa ko sila sa pangalan ng Diyos, na sinasabi, "Huwag ninyong ibibigay ang inyong mga anak na babae sa kanilang mga anak na lalaki, ni kukunin man ang kanilang mga anak na babae para sa inyong mga anak na lalaki, o para sa inyong mga sarili. Hindi ba't nagkasala si Solomon na hari ng Israel dahil sa ganyang mga babae? Sa gitna ng maraming bansa ay walang haring gaya niya, at siya'y minahal ng kanyang Diyos, at ginawa siya ng Diyos na hari sa buong Israel, gayunma'y ibinunsod siya sa pagkakasala ng mga babaing banyaga. Makikinig ba kami sa inyo at gagawin ang lahat ng ganitong malaking kasamaan at magtataksil laban sa ating Diyos sa pamamagitan ng pag-aasawa sa mga babaing banyaga?" At isa sa mga anak ni Jehoiada, na anak ni Eliasib na pinakapunong pari, ay manugang ni Sanballat na Horonita; kaya't pinalayas ko siya sa aking harapan. Alalahanin mo sila, O Diyos ko, sapagkat kanilang dinumihan ang pagkapari, ang tipan ng pagkapari at ang mga Levita. Sa gayo'y nilinis ko sila sa lahat ng mga bagay na banyaga, at itinatag ko ang mga katungkulan ng mga pari at ng mga Levita, bawat isa'y sa kanyang gawain; at naglaan ako para sa kaloob na panggatong, sa mga takdang panahon, at para sa mga unang bunga. Alalahanin mo ako, O Diyos ko, sa ikabubuti. Nangyari noon sa mga araw ni Ahasuerus, ang Ahasuerus na naghari mula sa India hanggang sa Etiopia, sa isandaan at dalawampu't pitong lalawigan. Nang mga araw na iyon, nang maupo si Haring Ahasuerus sa trono ng kanyang kaharian, na nasa kastilyo ng Susa, sa ikatlong taon ng kanyang paghahari, siya'y nagbigay ng isang malaking handaan para sa kanyang mga pinuno at mga lingkod. Ang hukbo ng Persia at Media at ang mga maharlika at gobernador ng mga lalawigan ay naroon, samantalang ipinapakita niya ang malaking kayamanan ng kanyang kaharian at ang karangalan at karangyaan ng kanyang kamahalan sa loob ng maraming araw, na isang daan at walumpung araw. Nang maganap na ang mga araw na ito, ang hari ay nagdaos ng isang kapistahan na tumagal ng pitong araw para sa buong bayan na nasa kastilyo ng Susa, sa malalaki at maliliit na tao, sa bulwagan ng halamanan ng palasyo ng hari. May mga tabing na telang puti, at palawit na asul na naiipit ng mga panaling pinong lino at ng kulay-ube sa mga argolyang pilak at mga haliging marmol. Mayroon ding mga upuang ginto at pilak sa sahig na mosaik na yari sa porbido, marmol, perlas at mamahaling bato. Ang mga inumin ay nakalagay sa mga sisidlang ginto na iba't ibang uri, at ang alak ng kaharian ay labis-labis, ayon sa kasaganaan ng hari. Ang pag-inom ay ayon sa kautusan; walang pinipilit, sapagkat ipinag-utos ng hari sa lahat ng pinuno ng kanyang palasyo na gawin ang ayon sa nais ng bawat isa. Si Reyna Vasti ay nagdaos din ng kapistahan para sa mga kababaihan sa palasyo na pag-aari ni Haring Ahasuerus. Nang ikapitong araw, nang ang hari ay masaya na dahil sa alak, kanyang inutusan sina Mehuman, Bizta, Harbona, Bigta, Abagta, Zetar, at Carkas, ang pitong eunuko na naglilingkod kay Haring Ahasuerus, na iharap si Reyna Vasti na suot ang kanyang korona sa harapan ng hari, upang ipakita sa mga tao at sa mga pinuno ang kanyang kagandahan; sapagkat siya'y magandang pagmasdan. Ngunit si Reyna Vasti ay tumanggi na pumunta sa utos ng hari na ipinaabot ng mga eunuko. Kaya't ang hari ay lubhang nagalit, at ang kanyang galit ay nag-alab sa katauhan niya. Nang magkagayo'y sinabi ng hari sa mga pantas na nakakaalam ng mga panahon — sapagkat gayon ang paraan ng hari sa lahat ng dalubhasa sa kautusan at sa paghatol, ang sumusunod sa kanya ay sina Carsena, Zetar, Admata, Tarsis, Meres, Marsena, at Memucan, ang pitong pinuno ng Persia at Media, na nakakita sa mukha ng hari, at naupong una sa kaharian: "Ayon sa kautusan, anong ating gagawin kay Reyna Vasti sapagkat hindi niya sinunod ang utos ni Haring Ahasuerus na ipinaabot ng mga eunuko?" At si Memucan ay sumagot sa harapan ng hari at ng mga pinuno, "Si Reyna Vasti ay hindi lamang sa hari nagkasala, kundi pati sa lahat ng mga pinuno, at sa lahat ng mga mamamayang nasa lahat ng lalawigan ni Haring Ahasuerus. Sapagkat ang ginawang ito ng reyna ay mababalitaan ng lahat ng kababaihan, at hahamakin nila ang kanilang mga asawa, sapagkat kanilang sasabihin, 'Si Haring Ahasuerus ay nag-utos kay Reyna Vasti na humarap sa kanya, ngunit hindi siya pumunta!' Sa araw na ito ang lahat ng kababaihan ng mga pinuno ng Persia at Media, na nakabalita ng ginawang ito ng reyna ay magsasabi ng gayon sa lahat ng pinuno ng hari, kaya't magkakaroon ng napakaraming paghamak at pagkapoot. Kung ikalulugod ng hari, maglabas ng utos ang hari, at isulat sa mga kautusan ng mga taga-Persia at mga Medo, upang huwag mabago, na si Vasti ay hindi na makakalapit kay Haring Ahasuerus; at ibigay ng hari ang kanyang pagkareyna sa iba na mas mabuti kaysa kanya. Kaya't kapag ang batas na ginawa ng hari ay naipahayag sa kanyang buong kaharian, sa buong nasasakupan nito, lahat ng babae ay magbibigay sa kanilang mga asawa ng karangalan, maging mataas at mababa." Ang payong ito ay ikinatuwa ng hari at ng mga pinuno; at ginawa ng hari ang ayon sa iminungkahi ni Memucan. Siya'y nagpadala ng mga sulat sa lahat ng mga lalawigan ng kaharian, sa bawat lalawigan sa sarili nitong paraan ng pagsulat, at sa bawat bayan ayon sa kanilang wika, na ang bawat lalaki ay magiging panginoon sa kanyang sariling bahay at magsalita ayon sa wika ng kanyang bayan. Pagkatapos ng mga bagay na ito, nang mapawi ang galit ni Haring Ahasuerus, kanyang naalala si Vasti at ang kanyang ginawa, at kung ano ang iniutos laban sa kanya. Nang magkagayo'y sinabi ng mga lingkod ng hari na naglilingkod sa kanya, "Magpahanap kayo ng magagandang kabataang birhen para sa hari. Magtalaga ang hari ng mga pinuno sa lahat ng mga lalawigan ng kanyang kaharian, upang kanilang tipunin ang lahat ng magagandang kabataang birhen sa kabisera ng Susa sa bahay ng mga babae, sa pamamahala ni Hegai, na eunuko ng hari, na tagapag-ingat ng mga babae. At ibigay sa kanila ang kanilang mga kailangan sa pagpapaganda. Ang dalaga na kalugdan ng hari ay magiging reyna na kapalit ni Vasti." Ang bagay na ito ay nakalugod sa hari; at gayon ang ginawa niya. Noon ay may isang Judio sa kabisera ng Susa, na ang pangala'y Mordecai, na anak ni Jair, na anak ni Shimei, na anak ni Kish na Benjaminita; na dinala mula sa Jerusalem na kasama ng mga bihag na nadalang kasama ni Jeconias na hari sa Juda, na dinala ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia. Pinalaki niya si Hadassa, samakatuwid ay si Esther, na anak na babae ng kanyang amain, sapagkat siya'y walang ama o ina man, at ang dalaga ay maganda at kaakit-akit. Nang mamatay ang kanyang ama't ina, inampon siya ni Mordecai na parang tunay na anak. Kaya't nang ang utos ng hari at ang kanyang batas ay naipahayag na, at nang matipon ang maraming dalaga sa kabisera ng Susa, sa pamamahala ni Hegai, si Esther ay dinala rin sa palasyo ng hari at inilagay sa pamamahala ni Hegai, na tagapag-ingat sa mga babae. Ang dalaga ay nakalugod sa kanya at nakuha ang kanyang paglingap. Nagbigay siya agad sa kanya ng mga kailangan sa pagpapaganda at ng kanyang bahaging pagkain, at ng pitong piling dalaga mula sa palasyo ng hari. Kanyang inilipat siya at ang kanyang mga babaing alalay sa pinakamabuting dako sa bahay ng mga babae. Hindi ipinaaalam ni Esther ang kanyang bayan o ang kanyang kamag-anak man; sapagkat ibinilin sa kanya ni Mordecai na huwag niyang ipaalam. Si Mordecai ay lumalakad araw-araw sa harapan ng bulwagan ng mga babae upang malaman kung anong kalagayan ni Esther, at kung ano ang nangyayari sa kanya. Nang dumating na ang panahon na ang bawat dalaga ay makapasok kay Haring Ahasuerus, pagkatapos ng labindalawang buwan sa ilalim ng mga pamamalakad para sa mga babae, yamang ganito ang nakaugaliang panahon para sa kanilang pagpapaganda, samakatuwid ay anim na buwan na may langis na mira, at anim na buwan na may pabango, at pampaganda para sa mga babae. Kapag pumasok na ang dalaga sa hari, siya ay bibigyan ng anumang kanyang naisin upang dalhin niya mula sa lugar ng mga babae hanggang sa palasyo ng hari. Sa gabi ay pumaparoon siya, at sa kinaumagahan ay bumabalik siya sa ikalawang lugar ng mga babae sa pamamahala ni Saasgaz, na eunuko ng hari, na nag-iingat sa mga asawang-lingkod. Hindi na siya muling papasok sa hari malibang ang hari ay malugod sa kanya at ipatawag sa kanyang pangalan. Nang sumapit ang panahon ni Esther na anak ni Abihail, na amain ni Mordecai, na umampon sa kanya bilang sariling anak na babae, upang humarap sa hari, wala siyang hininging anuman maliban sa ipinayo ni Hegai na eunuko ng hari, na tagapag-ingat sa mga babae. At si Esther ay hinangaan ng lahat ng nakakita sa kanya. Nang si Esther ay dalhin kay Haring Ahasuerus sa kanyang palasyo nang ikasampung buwan na siyang buwan ng Tebet, nang ikapitong taon ng kanyang paghahari, minahal ng hari si Esther nang higit kaysa lahat ng mga babae, at siya'y nakatagpo ng biyaya at paglingap nang higit kaysa lahat ng mga birhen. Kaya't kanyang inilagay ang korona ng kaharian sa kanyang ulo at ginawa siyang reyna na kapalit ni Vasti. Nang magkagayo'y gumawa ng malaking kapistahan ang hari para sa kanyang mga pinuno at sa kanyang mga lingkod, iyon ay handaan ni Esther. Nagkaloob din ang hari ng pagbabawas ng buwis sa mga lalawigan, at nagbigay ng mga kaloob ayon sa kasaganaan ng hari. Nang matipon sa ikalawang pagkakataon ang mga birhen, nakaupo si Mordecai sa pintuan ng hari. Hindi pa ipinapakilala ni Esther ang kanyang pinagmulan o ang kanyang bayan man, gaya ng ibinilin sa kanya ni Mordecai. Sinusunod ni Esther si Mordecai na gaya ng kanyang pagpapalaki sa kanya. Sa mga araw na iyon, samantalang nakaupo si Mordecai sa pintuan ng hari, sina Bigtan at Teres na dalawa sa mga eunuko ng hari, na nagbabantay sa pintuan ay nagalit at hinangad na pagbuhatan ng kamay si Haring Ahasuerus. Ang bagay na ito ay nalaman ni Mordecai at sinabi niya ito kay Reyna Esther, at sinabi ni Esther sa hari sa pangalan ni Mordecai. Nang ang pangyayari ay siyasatin at matuklasang totoo, ang dalawang lalaki ay kapwa binigti sa punungkahoy. At ito'y isinulat sa Aklat ng mga Kasaysayan sa harapan ng hari. Pagkatapos ng mga bagay na ito ay itinaas ni Haring Ahasuerus sa tungkulin si Haman na anak ni Amedata na Agageo, at itinaas siya at binigyan ng katungkulang mataas kaysa lahat ng mga pinuno na kasama niya. At lahat ng mga lingkod ng hari na nasa pintuan ng hari ay yumukod at nagbigay-galang kay Haman sapagkat iniutos na gayon ng hari tungkol sa kanya. Ngunit si Mordecai ay hindi yumukod o gumalang man sa kanya. Nang magkagayo'y sinabi kay Mordecai ng mga lingkod ng hari na nasa pintuan ng hari, "Bakit mo sinusuway ang utos ng hari?" Nang sila'y makipag-usap sa kanya araw-araw at sila'y ayaw niyang pakinggan, kanilang sinabi kay Haman upang makita kung mangingibabaw ang mga salita ni Mordecai, sapagkat sinabi niya sa kanila na siya'y Judio. Nang makita ni Haman na si Mordecai ay hindi yumuyukod, o gumagalang man sa kanya, napuno ng poot si Haman. Ngunit inisip niyang walang kabuluhan na mag-isang patayin si Mordecai. Kaya't yamang ipinaalam nila sa kanya ang pinagmulan ni Mordecai, inisip ni Haman na lipulin ang lahat ng mga Judio, samakatuwid ay ang kababayan ni Mordecai sa buong nasasakupan ng kaharian ni Ahasuerus. Nang unang buwan, na siyang buwan ng Nisan, nang ikalabindalawang taon ni Haring Ahasuerus, kanilang pinagpalabunutan ang Pur sa harapan ni Haman para sa araw at buwan. Ang palabunutan ay tumapat sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan, na siyang buwan ng Adar. At sinabi ni Haman kay Haring Ahasuerus, "May mga taong nakakalat at nakahiwalay sa gitna ng mga bayan sa lahat ng mga lalawigan ng iyong kaharian. Ang kanilang kautusan ay kaiba sa bawat ibang bayan at hindi nila sinusunod ang mga kautusan ng hari; kaya't walang pakinabang ang hari na sila'y pabayaang magpatuloy. Kung ikalulugod ng hari, hayaang ipag-utos na sila'y lipulin. Ako'y magbabayad ng sampung libong talentong pilak sa mga kamay ng mga namamahala ng gawain ng hari, upang ilagay ang mga iyon sa mga kabang-yaman ng hari." Nang magkagayo'y hinubad ng hari ang singsing sa kanyang kamay, at ibinigay kay Haman na anak ni Amedata na Agageo, na kaaway ng mga Judio. At sinabi ng hari kay Haman, "Ang salapi ay ibinibigay sa iyo, gayundin ang mga tao upang gawin mo sa kanila kung ano ang inaakala mong mabuti." Nang magkagayo'y ipinatawag ang mga kalihim ng hari nang ikalabintatlong araw ng unang buwan. Isang utos, ayon sa lahat na iniutos ni Haman, ang ipinasulat sa mga tagapamahala ng hari, at sa mga tagapamahala ng lahat ng lalawigan, at sa mga pinuno ng bawat bayan, sa bawat lalawigan ayon sa sarili nitong pagsulat, at sa bawat bayan ayon sa kanilang wika; ito'y isinulat sa pangalan ni Haring Ahasuerus at tinatakan ng singsing ng hari. Ipinadala ang mga sulat sa pamamagitan ng mga sugo sa lahat ng mga lalawigan ng hari, upang wasakin, patayin at lipulin ang lahat ng Judio, bata at matanda, ang mga bata at ang mga babae sa loob ng isang araw, sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan, na siyang buwan ng Adar, at upang samsamin ang kanilang mga ari-arian. Ang isang sipi ng sulat ay ibibigay bilang utos sa bawat lalawigan sa pamamagitan ng paghahayag sa lahat ng bayan na sila'y maging handa para sa araw na iyon. Mabilis na umalis ang mga sugo sa utos ng hari, at ang batas ay pinalabas sa kabisera ng Susa. Ang hari at si Haman ay naupo upang uminom; ngunit ang lunsod ng Susa ay nagkagulo. Nang malaman ni Mordecai ang lahat ng ginawa ni Haman, pinunit ni Mordecai ang kanyang suot, at nagsuot ng damit-sako at may mga abo sa ulo. At lumabas siya sa gitna ng bayan, at tumangis nang malakas na may mapait na pagsigaw. Siya'y umakyat sa pasukan ng pintuan ng hari, sapagkat walang makakapasok sa loob ng pintuan ng hari na nakasuot ng damit-sako. Sa bawat lalawigan, sa tuwing darating ang utos at batas ng hari, ay nagkaroon ng malaking pagluluksa sa mga Judio, na may pag-aayuno, iyakan, at taghuyan; at karamihan sa kanila ay nahihigang may suot damit-sako at may mga abo sa ulo. Nang dumating ang mga babaing alalay ni Esther at ang kanyang mga eunuko at ibalita iyon sa kanya, ang reyna ay lubhang nabahala. Siya'y nagpadala ng bihisan upang isuot ni Mordecai, upang hubarin niya ang kanyang damit-sako, ngunit ayaw niyang tanggapin ang mga ito. Nang magkagayo'y ipinatawag ni Esther si Hatac, na isa sa mga eunuko ng hari, na itinalaga na mag-alaga sa kanya, at inutusan niyang pumunta kay Mordecai, upang malaman kung ano iyon, at kung bakit gayon. Sa gayo'y lumabas si Hatac patungo kay Mordecai, sa liwasang-bayan na nasa harapan ng pintuan ng hari. Isinalaysay sa kanya ni Mordecai ang lahat na nangyari sa kanya, at ang halaga ng salaping ipinangako ni Haman na ibabayad sa mga kabang-yaman ng hari para sa pagpatay sa mga Judio. Binigyan din siya ni Mordecai ng sipi ng utos na ipinahayag sa Susa upang patayin sila, upang ipakita ito kay Esther, at ipaliwanag ito sa kanya. Ipinagbilin niya sa kanya na siya'y pumunta sa hari upang makiusap at humiling sa kanya alang-alang sa kanyang bayan. At si Hatac ay pumunta, at sinabi kay Esther ang mga sinabi ni Mordecai. Nang magkagayo'y nagsalita si Esther kay Hatac, at nagpasabi kay Mordecai, "Lahat ng lingkod ng hari at ang bayan ng mga lalawigan ng hari ay nakakaalam, na may isang kautusan na kung ang sinumang lalaki o babae ay pumunta sa hari sa pinakaloob na bulwagan na hindi ipinatatawag ay papatayin. Malibang paglawitan siya ng hari ng gintong setro, maaaring mabuhay ang taong iyon. Ako'y tatlumpung araw nang hindi ipinatatawag ng hari." At sinabi nila kay Mordecai ang mga sinabi ni Esther. Nang magkagayo'y ipinabalik sa kanila ni Mordecai ang sagot kay Esther: "Huwag mong isipin na sa palasyo ng hari ay makakatakas ka na higit kaysa lahat ng ibang mga Judio. Sapagkat kung ikaw ay tatahimik sa panahong ito, ang tulong at kaligtasan ay babangon para sa mga Judio mula sa ibang lugar, ngunit ikaw at ang sambahayan ng iyong ninuno ay mapapahamak. At sinong nakakaalam na kung kaya ka nakarating sa kaharian ay dahil sa pagkakataong ganito?" At sinabi ni Esther sa kanila na sagutin si Mordecai, "Ikaw ay humayo, tipunin mo ang lahat na Judio na matatagpuan sa Susa at ipag-ayuno ninyo ako. Huwag kayong kumain o uminom man sa loob ng tatlong araw, gabi o araw. Ako at ang aking mga babaing alalay ay mag-aayuno ring gaya ninyo. Pagkatapos ay pupunta ako sa hari bagaman labag sa batas. At kung ako'y mamamatay, ay mamatay." Sa gayo'y umalis si Mordecai at ginawa ang ayon sa lahat na iniutos ni Esther sa kanya. Nang ikatlong araw, nagsuot si Esther ng kanyang damit pang-reyna, at tumayo sa pinakaloob na bulwagan ng palasyo ng hari, sa tapat ng tirahan ng hari. Ang hari ay nakaupo sa kanyang trono sa loob ng palasyo, sa tapat ng pasukan ng palasyo. Nang makita ng hari si Reyna Esther na nakatayo sa bulwagan, nakuha ng reyna ang paglingap ng hari. Kaya't inilawit ng hari kay Esther ang gintong setro na nasa kanyang kamay. At lumapit si Esther at hinipo ang dulo ng setro. Itinanong ng hari sa kanya, "Ano iyon, Reyna Esther? Ano ang iyong kahilingan? Ibibigay ko sa iyo kahit kalahati ng aking kaharian." Sinabi ni Esther, "Kung ikalulugod ng hari, pumunta sa araw na ito ang hari at si Haman sa salu-salong inihanda ko para sa hari." At sinabi ng hari, "Dalhin mong madali dito si Haman upang magawa namin ang gaya ng nais ni Esther." Kaya't pumunta ang hari at si Haman sa salu-salo na inihanda ni Esther. Samantalang umiinom sila ng alak, sinabi ng hari kay Esther, "Ano ang iyong kahilingan? Ipagkakaloob iyon sa iyo. Ano ang iyong kahilingan? Kahit kalahati ng kaharian ay ipagkakaloob sa iyo." At sumagot si Esther, "Ang aking kahilingan ay ito: Kung ako'y nakatagpo ng paglingap sa paningin ng hari, at kung kalugdan ng hari na ipagkaloob ang aking kahilingan, pumunta ang hari at si Haman sa salusalo na aking ihahanda sa kanila, at bukas ay aking gagawin ang gaya ng sinabi ng hari." Lumabas si Haman nang araw na iyon na galak na galak at may masayang puso. Ngunit nang makita ni Haman si Mordecai sa pintuan ng hari, na hindi siya tumayo o nanginig man sa harapan niya, siya'y napuno ng poot laban kay Mordecai. Gayunma'y nagpigil si Haman sa kanyang sarili, at umuwi sa bahay. Siya'y nagsugo at ipinasundo ang kanyang mga kaibigan at si Zeres na kanyang asawa. Ikinuwento ni Haman sa kanila ang karangyaan ng kanyang mga kayamanan, ang bilang ng kanyang mga anak na lalaki, at lahat ng pagkataas ng katungkulan na ipinarangal ng hari sa kanya, at kung paanong kanyang itinaas siya nang higit kaysa mga pinuno at mga lingkod ng hari. Dagdag pa ni Haman, "Maging si Reyna Esther ay hindi nagpapasok ng sinuman na kasama ng hari sa kapistahan na kanyang inihanda kundi ako lamang. At bukas ay inaanyayahan na naman niya ako na kasama ng hari. Gayunma'y ang lahat ng ito'y walang kabuluhan sa akin habang aking nakikita ang Judiong si Mordecai na nakaupo sa pintuan ng hari." Nang magkagayo'y sinabi sa kanya ni Zeres na kanyang asawa at ng lahat niyang kaibigan, "Magpagawa ka ng isang bitayan na may limampung siko ang taas, at kinaumagahan ay sabihin mo sa hari na bitayin doon si Mordecai. Pagkatapos ay lumakad kang masaya na kasama ng hari sa kapistahan." Ang payong ito ay nagustuhan ni Haman at kanyang ipinagawa ang bitayan. Nang gabing iyon ay hindi makatulog ang hari kaya't kanyang iniutos na dalhin ang aklat ng mahahalagang mga gawa, ang mga kasaysayan, at ang mga ito ay binasa sa harapan ng hari. Natuklasang nakasulat kung paanong sinabi ni Mordecai ang tungkol kina Bigtana at Teres, dalawa sa mga eunuko ng hari, na nagbabantay sa pintuan na nagbalak patayin si Haring Ahasuerus. At sinabi ng hari, "Anong karangalan at kadakilaan ang ibinigay kay Mordecai dahil dito?" Sinabi ng mga lingkod ng hari na naglilingkod sa kanya, "Walang anumang ginawa para sa kanya." Sinabi ng hari, "Sino ang nasa bulwagan?" Kapapasok pa lamang ni Haman sa bulwagan ng palasyo ng hari, upang magsalita sa hari na bitayin si Mordecai sa bitayan na inihanda niya sa kanya. At ang mga lingkod ng hari ay nagsabi sa kanya, "Naroon si Haman, nakatayo sa bulwagan." At sinabi ng hari, "Papasukin siya." Sa gayo'y pumasok si Haman at sinabi ng hari sa kanya, "Anong gagawin sa lalaking kinalulugdang parangalan ng hari?" Sinabi ni Haman sa kanyang sarili, "Sino ang kinalulugdang parangalan ng hari nang higit kaysa akin?" At sinabi ni Haman sa hari, "Para sa lalaking kinalulugdang parangalan ng hari, ay ipakuha ang damit-hari na isinuot ng hari, at ang kabayo na sinakyan ng hari, at ang korona ng hari para sa kanyang ulo, at ibigay ang bihisan at ang kabayo sa isa sa pinakapangunahing pinuno ng hari. Bihisan niya ang lalaking kinalulugdang parangalan ng hari, at ilibot sa buong lunsod na nakasakay sa kabayo, at ipahayag na nauuna sa kanya: 'Ganito ang gagawin sa lalaking kinalulugdang parangalan ng hari.'" Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Haman, "Ikaw ay magmadali, at kunin mo ang bihisan at ang kabayo, gaya ng iyong sinabi, at gayon ang gawin mo kay Mordecai, na Judio na umuupo sa pintuan ng hari. Huwag mong bawasan ang anumang bagay na iyong sinabi." Nang magkagayo'y kinuha ni Haman ang bihisan at ang kabayo, at binihisan si Mordecai, at sakay na inilibot sa buong lunsod at ipinahahayag na nauuna sa kanya: "Ganito ang gagawin sa lalaking kinalulugdang parangalan ng hari." Pagkatapos ay bumalik si Mordecai sa pintuan ng hari. Ngunit si Haman ay nagmadaling umuwi, tumatangis at may takip ang ulo. At ibinalita ni Haman kay Zeres na kanyang asawa at sa lahat ng kanyang mga kaibigan ang lahat ng bagay na nangyari sa kanya. Nang magkagayo'y sinabi sa kanya ng kanyang mga pantas na lalaki at ni Zeres na kanyang asawa, "Kung si Mordecai, na siyang pinagsimulan ng iyong pagbagsak, ay mula sa bayan ng mga Judio, hindi ka magtatagumpay laban sa kanya, kundi ikaw ay tiyak na mahuhulog sa harapan niya." Samantalang sila'y nakikipag-usap pa sa kanya, dumating ang mga eunuko ng hari at nagmamadaling dinala si Haman sa salu-salo na inihanda ni Esther. Kaya't ang hari at si Haman ang pumunta sa kapistahan na kasama ni Reyna Esther. Nang ikalawang araw, samantalang sila'y umiinom ng alak, muling sinabi ng hari kay Esther, "Ano ang iyong kahilingan, Reyna Esther? Ibibigay iyon sa iyo. Ano ang iyong kahilingan? Kahit kalahati ng kaharian ay ipagkakaloob sa iyo." At sumagot si Reyna Esther, "Kung ako'y naging mabuti sa iyong paningin, O hari, at kung kalulugdan ng hari, ipagkaloob sa akin ang aking buhay ayon sa aking pakiusap at ang aking mga kababayan ayon sa aking kahilingan. Sapagkat kami ay ipinagbili, ako at ang aking bayan upang ipahamak, upang patayin, at upang lipulin. Kung kami ay ipinagbili lamang bilang mga aliping lalaki at babae, ako'y tumahimik na sana, sapagkat ang aming kapighatian ay hindi dapat ihambing sa mawawala sa hari." Nang magkagayo'y sinabi ni Haring Ahasuerus kay Reyna Esther, "Sino siya, at saan naroon siya na mag-aakalang gumawa nang ganito?" Sinabi ni Esther, "Ang isang kaaway at kalaban! Itong masamang si Haman!" Nang magkagayo'y natakot si Haman sa harapan ng hari at ng reyna. At ang hari ay galit na tumayo at iniwan ang kapistahan ng alak at pumunta sa halamanan ng palasyo; ngunit si Haman ay nanatili upang ipagmakaawa ang kanyang buhay kay Reyna Esther, sapagkat nakita niya na may kasamaang ipinasiya laban sa kanya ang hari. Nang magkagayo'y bumalik ang hari mula sa halamanan ng palasyo patungo sa lugar kung saan sila umiinom ng alak, habang si Haman ay nakasubsob sa upuan na kinaroroonan ni Esther. Sinabi ng hari, "Kanya bang gagawan ng masama ang reyna sa harapan ko, sa sarili kong bahay?" Pagkalabas ng mga salita sa bibig ng hari ay kanilang tinakpan ang mukha ni Haman. Nang magkagayo'y sinabi ni Harbona, na isa sa eunuko na nasa harapan ng hari, "Ang bitayan na may limampung siko ang taas, na ginawa ni Haman para kay Mordecai, na ang salita ay siyang nagligtas sa hari, ay nakatayo sa bahay ni Haman." At sinabi ng hari, "Bitayin siya roon." Kaya't binigti nila si Haman sa bitayan na inihanda niya para kay Mordecai. At humupa ang poot ng hari. Nang araw na iyon ay ibinigay ni Haring Ahasuerus kay Esther ang bahay ni Haman na kaaway ng mga Judio. At si Mordecai ay humarap sa hari; sapagkat sinabi ni Esther kung ano ang kaugnayan niya sa kanya. At hinubad ng hari ang kanyang singsing na inalis niya kay Haman, at ibinigay kay Mordecai. At ipinamahala ni Esther kay Mordecai ang bahay ni Haman. At si Esther ay muling nagsalita sa harapan ng hari, at nagpatirapa sa kanyang mga paa, at nagsumamo sa kanya na may mga luha na hadlangan ang masamang panukala ni Haman na Agageo, at ang pakana na kanyang binalak laban sa mga Judio. Nang magkagayo'y inilawit ng hari kay Esther ang gintong setro. Sa gayo'y tumindig si Esther at tumayo sa harapan ng hari. At sinabi niya, "Kung ikalulugod ng hari, at kung ako'y nakatagpo ng lingap sa kanyang paningin, at kung ang bagay ay inaakalang matuwid sa harapan ng hari, at ako'y nakakalugod sa kanyang mga mata, nawa'y isulat ang isang utos upang pawalang-bisa ang mga sulat na binalak ni Haman na anak ni Amedata, na Agageo, na kanyang sinulat upang lipulin ang mga Judio na nasa lahat ng lalawigan ng hari. Sapagkat paano ko matitiis na makita ang kapahamakang darating sa aking mga kababayan? O paano ko matitiis na makita ang pagpatay sa aking mga kamag-anak?" Nang magkagayo'y sinabi ni Haring Ahasuerus kina Reyna Esther at Mordecai na Judio, "Tingnan ninyo, ibinigay ko kay Esther ang bahay ni Haman, at kanilang binigti siya sa bitayan, sapagkat kanyang binalak na patayin ang mga Judio. Maaari kang sumulat ng ayon sa nais mo tungkol sa mga Judio, sa pangalan ng hari, at tatakan ito ng singsing ng hari; sapagkat ang utos na isinulat sa pangalan ng hari at natatakan ng singsing ng hari ay hindi maaaring pawalang-bisa." Ang mga kalihim ng hari ay ipinatawag nang panahong iyon, sa ikadalawampu't tatlong araw ng ikatlong buwan, na siyang buwan ng Sivan. Iisang utos ang isinulat ayon sa lahat na iniutos ni Mordecai tungkol sa mga Judio, sa mga gobernador, at sa mga tagapamahala at mga pinuno ng mga lalawigan mula sa India hanggang sa Etiopia, na isandaan at dalawampu't pitong lalawigan. Ito ay para sa bawat lalawigan ayon sa sarili nitong pagsulat, at sa bawat bayan ayon sa wika nila, at sa mga Judio ayon sa pagsulat at wika nila. Ang pagkasulat ay sa pangalan ni Haring Ahasuerus at tinatakan ng singsing ng hari, at ipinadala ang mga sulat sa pamamagitan ng mga sugong mangangabayo na nakasakay sa matutuling kabayo na ginagamit sa paglilingkod sa hari, na inalagaan mula sa kulungan ng hari. Sa pamamagitan ng mga ito, pinahihintulutan ng hari ang mga Judio na nasa bawat lunsod, na magtipuntipon at ipagsanggalang ang kanilang buhay, upang puksain, patayin, at lipulin ang anumang sandatahang lakas ng alinmang bayan at lalawigan na sasalakay sa kanila, kasama ang kanilang mga bata at mga babae, at samsamin ang kanilang ari-arian. Ito ay sa isang araw sa lahat ng lalawigan ni Haring Ahasuerus, sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan, na siyang buwan ng Adar. Isang sipi ng kasulatan ang ilalabas bilang utos sa bawat lalawigan, at ipahahayag sa lahat ng mga bayan, at ang mga Judio ay maghanda sa araw na iyon na maghiganti sa kanilang mga kaaway. Sa gayo'y ang mga sugo na sumasakay sa matutuling kabayo na ginagamit sa paglilingkod sa hari ay nagmamadaling sumakay dahil sa utos ng hari; at ang utos ay pinalabas sa kastilyo ng Susa. At si Mordecai ay lumabas mula sa harapan ng hari na nakadamit-hari na asul at puti, at may malaking koronang ginto, at may balabal na pinong lino at kulay ube, samantalang ang bayan ng Susa ay sumigaw at natuwa. Nagkaroon ang mga Judio ng kaginhawahan, kasayahan, kagalakan, at karangalan. At sa bawat lalawigan at bayan, saanman dumating ang utos ng hari, ay nagkaroon ang mga Judio ng kasayahan, kagalakan, at kapistahan. At maraming mula sa mga tao ng lupain ay tinawag ang kanilang sarili na mga Judio; sapagkat ang takot sa mga Judio ay dumating sa kanila. Sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan, na siyang buwan ng Adar, nang ang utos at pasiya ng hari ay malapit nang ipatupad, nang araw na iyon na inaasahan ng mga kaaway ng mga Judio na makapaghari sila sa kanila, ngunit ito ay binago upang maging araw na ang mga Judio ang siyang maghahari sa kanilang mga kaaway, ang mga Judio ay nagtipun-tipon sa kanilang mga lunsod sa lahat ng lalawigan ni Haring Ahasuerus, upang patayin ang mga naghahangad ng kanilang kapahamakan. Walang makatalo sa kanila, sapagkat ang pagkatakot sa kanila ay dumating sa lahat ng mga tao. Lahat ng mga pinuno ng mga lalawigan, mga gobernador, mga tagapamahala, at ang mga pinuno ng kaharian, ay tumulong sa mga Judio; sapagkat ang takot kay Mordecai ay dumating sa kanila. Sapagkat si Mordecai ay makapangyarihan sa bahay ng hari, at ang kanyang katanyagan ay lumaganap sa lahat ng mga lalawigan, sapagkat ang lalaking si Mordecai ay lalo pang naging makapangyarihan. Kaya't pinagpapatay ng mga Judio ang lahat ng kanilang mga kaaway sa pamamagitan ng tabak at pinuksa sila, at ginawa ang maibigan nila sa mga napopoot sa kanila. At sa kabisera ng Susa ay pumatay at pumuksa ang mga Judio ng limang daang lalaki, at pinatay rin sina Forsandata, Dalfon, Asfata, Forata, Ahalia, Aridata, Farmasta, Arisai, Aridai, at Vaizata, na sampung anak ni Haman, na anak ni Amedata, na kaaway ng mga Judio; ngunit hindi nila ginalaw ang mga samsam. Nang araw na iyon ang bilang ng napatay sa kabisera ng Susa ay iniulat sa hari. At sinabi ng hari kay Reyna Esther; "Sa Susa na kabisera, ang mga Judio ay pumatay ng limang daang lalaki at ng sampung anak ni Haman. Ano kaya ang kanilang ginawa sa ibang mga lalawigan ng hari? Ngayon, ano pa ang iyong pakiusap? Ipagkakaloob sa iyo. Ano pa ang iyong kahilingan? Iyon ay gagawin." Nang magkagayo'y sinabi ni Esther, "Kung ikalulugod ng hari, ipahintulot sa mga Judio na nasa Susa na gawin din bukas ang ayon sa utos sa araw na ito, at ang sampung anak ni Haman ay ibitin sa bitayan." At iniutos ng hari na ito ay gawin; ang utos ay ipinalabas sa Susa, at ang sampung anak ni Haman ay ibinitin. Ang mga Judio na nasa Susa ay nagtipon din nang ikalabing-apat na araw ng buwan ng Adar, at kanilang pinatay ang tatlong daang lalaki sa Susa ngunit hindi nila ginalaw ang mga samsam. At ang ibang mga Judio na nasa mga lalawigan ng hari ay nagtipon din upang ipagsanggalang ang kanilang buhay, at nagkaroon ng kapahingahan sa kanilang mga kaaway, at pumatay ng pitumpu't limang libo sa mga napopoot sa kanila, ngunit hindi nila ginalaw ang mga samsam. Ito'y nang ikalabintatlong araw ng buwan ng Adar, at nang ikalabing-apat na araw ay nagpahinga sila, at ginawang araw ng kapistahan at kasayahan. Ngunit ang mga Judio na nasa Susa ay nagtipon nang ikalabintatlo at ikalabing-apat na araw; at nang ikalabinlimang araw ay nagpahinga sila, at ginawa iyon na araw ng kapistahan at kasayahan. Kaya't ipinagdiwang ng mga Judio sa mga nayon na naninirahan sa mga bayang walang pader ang ikalabing-apat na araw ng buwan ng Adar bilang araw ng kasayahan at kapistahan. Sa araw na iyon ay nagpadala sila ng handog na pag-kain para sa isa't isa. Itinala ni Mordecai ang mga bagay na ito, at nagpadala ng mga sulat sa lahat ng Judio, na nasa lahat ng lalawigan ni Haring Ahasuerus, sa malapit at gayundin sa malayo, na ipinagbilin sa kanila na kanilang ipagdiwang ang ikalabing-apat na araw ng buwan ng Adar, at ang ikalabinlima niyon, taun-taon, bilang mga araw na nagkaroon ng kapahingahan ang mga Judio sa kanilang mga kaaway, at ang buwan na ang kapanglawan ay naging kasayahan para sa kanila, at mula sa pagtangis ay naging mga araw ng kapistahan. Gagawin nila ang mga iyon na mga araw ng pagsasaya at kagalakan, mga araw para sa pagdadala ng mga piling bahagi ng handog na pagkain para sa isa't isa at kaloob para sa mga dukha. At ginawang kaugalian ng mga Judio ang bagay na kanilang sinimulan, at gaya ng isinulat ni Mordecai sa kanila. Si Haman na anak ni Amedata na Agageo, na kaaway ng lahat na Judio ay nagbalak laban sa mga Judio upang lipulin sila, at pinagpalabunutan ang Pur, upang durugin, at lipulin sila. Ngunit nang si Esther ay humarap sa hari, siya ay nagbigay ng utos na nakasulat na ang kanyang masamang balak laban sa mga Judio ay mauwi sa kanyang sariling ulo; at siya at ang kanyang mga anak ay dapat ibitin sa bitayan. Kaya't kanilang tinawag ang mga araw na ito na Purim, ayon sa katagang Pur. Iyon ay dahil sa lahat ng nakasulat sa sulat na ito, at dahil sa naranasan nila sa bagay na ito, at dahil sa lahat ng dumating sa kanila, ang mga Judio ay nagpasiya at nangako sa kanilang sarili at sa kanilang mga anak, at sa lahat ng umanib sa kanila, na walang pagsalang kanilang ipagdiriwang ang dalawang araw na ito ayon sa nakasulat, at ayon sa panahong itinakda taun-taon. Ang mga araw na ito ay aalalahanin at ipagdiriwang ng bawat salinlahi, sa bawat angkan, lalawigan, at lunsod. At ang mga araw na ito ng Purim ay hindi lilipas sa mga Judio, o ang alaala man sa mga iyon ay lilipas sa kanilang mga anak. Nang magkagayo'y si Reyna Esther na anak ni Abihail, at si Mordecai na Judio, ay nagbigay ng buong nakasulat na kapamahalaan, upang pagtibayin ang ikalawang sulat tungkol sa Purim. Ang sulat ay ipinadala sa lahat ng mga Judio, sa isandaan at dalawampu't pitong lalawigan ng kaharian ni Ahasuerus, na may mga salita ng kapayapaan at katotohanan, na ang mga araw na ito ng Purim ay ipagdiwang sa kanilang mga takdang panahon, ayon sa ibinilin sa mga Judio nina Mordecai na Judio at ni Reyna Esther, at ayon sa kanilang ipinasiya sa kanilang sarili at para sa kanilang mga anak, tungkol sa kanilang mga pag-aayuno at pagdaing. At pinagtibay ng utos ni Reyna Esther ang mga kaugaliang ito ng Purim, at iyon ay itinala. Si Haring Ahasuerus ay nagpataw ng buwis sa lupain at sa mga baybayin ng dagat. At lahat ng mga gawa ng kanyang kapangyarihan at kalakasan, at ang buong kasaysayan ng mataas na karangalan ni Mordecai na ibinigay sa kanya ng hari, hindi ba nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga Hari ng Media at Persia? Sapagkat si Mordecai na Judio ay pangalawa kay Haring Ahasuerus, at siya ay makapangyarihan sa gitna ng mga Judio at bantog sa karamihan ng kanyang mga kamag-anak, sapagkat inuna niya ang kapakanan ng kanyang bayan, at namagitan para sa ikabubuti ng lahat niyang mga kababayan. May isang lalaki sa lupain ng Uz na ang pangalan ay Job. Ang lalaking iyon ay walang kapintasan, matuwid, may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan. May isinilang sa kanya na pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae. Siya ay mayroong pitong libong tupa, tatlong libong kamelyo, limang daang magkatuwang na baka, limang daang babaing asno, at napakaraming mga lingkod; kaya't ang lalaking ito ay siyang pinakadakila sa lahat ng mga taga-silangan. Ang kanyang mga anak na lalaki ay laging nagtutungo at nagdaraos ng pagdiriwang sa bahay ng bawat isa sa kanyang araw; at sila'y nagsusugo at inaanyayahan ang kanilang tatlong kapatid na babae upang kumain at uminom na kasalo nila. Pagkatapos ng mga araw ng kanilang pagdiriwang, sila ay ipinasugo ni Job at pinapagbanal. Siya'y maagang bumabangon sa umaga at naghahandog ng mga handog na sinusunog ayon sa bilang nilang lahat, sapagkat sinabi ni Job, "Maaaring ang aking mga anak ay nagkasala, at sinumpa ang Diyos sa kanilang mga puso." Ganito ang palaging ginagawa ni Job. Isang araw, ang mga anak ng Diyos ay dumating upang iharap ang kanilang sarili sa PANGINOON, at si Satanas ay dumating din namang kasama nila. Sinabi ng PANGINOON kay Satanas, ''Saan ka nanggaling?" Sumagot si Satanas sa PANGINOON, "Sa pagpaparoo't parito sa lupa, at sa pamamanhik manaog doon." At sinabi ng PANGINOON kay Satanas, "Napansin mo ba ang aking lingkod na si Job? Wala siyang katulad sa lupa, isang walang kapintasan at matuwid na lalaki na may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan." Pagkatapos ay sumagot si Satanas sa PANGINOON, "Natatakot ba si Job sa Diyos nang walang kapalit? Hindi ba't binakuran mo siya at ang kanyang sambahayan, at ang lahat ng nasa kanya sa bawat dako? Pinagpala mo ang gawa ng kanyang mga kamay, at ang kanyang mga pag-aari ay dumami sa lupain. Ngunit pagbuhatan mo siya ngayon ng iyong kamay, galawin mo ang lahat ng pag-aari niya, at susumpain ka niya nang mukhaan." At sinabi ng PANGINOON kay Satanas, "Ang lahat ng pag-aari niya ay nasa iyong kapangyarihan, subalit huwag mo lamang siyang pagbubuhatan ng iyong kamay." Sa gayo'y umalis si Satanas sa harapan ng PANGINOON. Isang araw, nang ang kanyang mga anak na lalaki at babae ay kumakain at umiinom ng alak sa bahay ng kanilang kapatid na panganay, dumating ang isang sugo kay Job, at nagsabi, "Nag-aararo ang mga baka, at ang mga asno ay kumakain sa tabi nila, sinalakay at tinangay sila ng mga Sabeo, at kanilang pinagpapatay ng talim ng tabak ang mga lingkod at ako lamang ang tanging nakatakas upang magbalita sa iyo." Habang siya'y nagsasalita, may isa pang dumating at nagsabi, "Ang apoy ng Diyos ay bumagsak mula sa langit, at sinunog ang mga tupa at ang mga lingkod, at inubos sila. Ako lamang ang tanging nakatakas upang magbalita sa iyo." Habang siya'y nagsasalita, may isa pang dumating at nagsabi, "Ang mga Caldeo ay nagtatlong pangkat, sinalakay ang mga kamelyo, tinangay ang mga iyon, at pinagpapatay ng talim ng tabak ang mga lingkod; at ako lamang ang tanging nakatakas upang magbalita sa iyo." Habang siya'y nagsasalita, may isa pang dumating at nagsabi, "Ang iyong mga anak na lalaki at babae ay kumakain at umiinom ng alak sa bahay ng kanilang kapatid na panganay. Biglang dumating ang isang malakas na hangin mula sa ilang, hinampas ang apat na sulok ng bahay, lumagpak ito sa mga kabataan, at sila'y namatay. Ako lamang ang tanging nakatakas upang magbalita sa iyo." Pagkatapos ay tumindig si Job, pinunit ang kanyang balabal, inahitan ang kanyang ulo, nagpatirapa sa lupa at sumamba. Sinabi niya, "Hubad akong lumabas sa sinapupunan ng aking ina, at hubad akong babalik doon. Ang PANGINOON ang nagbigay at ang PANGINOON ang bumawi; purihin ang pangalan ng PANGINOON." Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job, ni pinaratangan man ng kasamaan ang Diyos. Isang araw, muling dumating ang mga anak ng Diyos upang iharap ang kanilang sarili sa PANGINOON, at dumating din si Satanas upang iharap ang sarili sa PANGINOON. Sinabi ng PANGINOON kay Satanas, "Saan ka nanggaling?" Si Satanas ay sumagot sa PANGINOON, at nagsabi, "Sa pagpaparoo't parito sa lupa, at sa pamamanhik-manaog doon." At sinabi ng PANGINOON kay Satanas, "Napansin mo ba ang aking lingkod na si Job, wala siyang katulad sa lupa, isang walang kapintasan at matuwid na lalaki, may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan? Siya'y nanatili pa rin sa kanyang katapatan, bagaman ako'y inudyukan mo laban sa kanya, upang sirain siya nang walang kadahilanan." Si Satanas ay sumagot sa PANGINOON, "Balat sa balat! Lahat ng pag-aari ng tao ay ibibigay niya dahil sa kanyang buhay. Ngunit iunat mo ngayon ang iyong kamay, galawin mo ang kanyang buto at laman, at kanyang susumpain ka nang mukhaan." At sinabi ng PANGINOON kay Satanas, "Siya'y nasa iyong kamay; ingatan mo lamang ang kanyang buhay." Kaya't umalis si Satanas mula sa harapan ng PANGINOON, at nilagyan si Job ng mga nakakapandiring bukol mula sa talampakan ng kanyang paa hanggang sa puyo ng kanyang ulo. At kumuha siya ng isang pirasong basag na palayok upang kayurin ang sarili at siya'y umupo sa mga abo. Pagkatapos ay sinabi ng kanyang asawa sa kanya, "Mananatili ka pa ba sa iyong katapatan? Sumpain mo ang Diyos, at mamatay ka na." Ngunit sinabi niya sa kanya, "Nagsasalita kang gaya ng pagsasalita ng mga hangal na babae. Tatanggap lang ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?" Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job sa pamamagitan ng kanyang mga labi. Nang mabalitaan ng tatlong kaibigan ni Job ang lahat ng kasamaang ito na dumating sa kanya, dumating ang bawat isa sa kanila mula sa kanya-kanyang sariling pook: si Elifaz na Temanita, si Bildad na Suhita, at si Zofar na Naamatita. Sila'y nagkaisang pumunta upang makiramay sa kanya at aliwin siya. Nang kanilang matanaw siya mula sa malayo, siya ay hindi nila nakilala. Kanilang inilakas ang kanilang tinig, umiyak at sinira ng bawat isa sa kanila ang kanya-kanyang balabal, at nagbuhos ng alabok sa kanilang mga ulo paharap sa langit. At sila'y umupo sa ibabaw ng lupa na kasama niya na pitong araw at pitong gabi, at walang nagsalita sa kanya, sapagkat kanilang nakita na ang kanyang paghihirap ay napakalaki. Pagkatapos nito'y ibinuka ni Job ang kanyang bibig at sinumpa ang araw ng kanyang kapanganakan. Sinabi ni Job: "Maglaho nawa ang araw nang ako'y isilang, at ang gabi na nagsabi, 'May batang lalaking ipinaglihi.' Magdilim nawa ang araw na iyon! Huwag nawang hanapin iyon ng Diyos sa itaas, ni silayan man iyon ng liwanag. Hayaang angkinin iyon ng mapanglaw at pusikit na kadiliman. Tirahan nawa iyon ng ulap; takutin nawa iyon ng kadiliman ng araw. Ang gabing iyon — sakmalin nawa ng makapal na kadiliman! Huwag itong magsaya na kasama ng mga araw ng taon, huwag nawa itong mapasama sa bilang ng mga buwan. Oo, ang gabing iyon nawa ay maging baog, huwag marinig doon ang tinig ng kagalakan. Sumpain nawa iyon ng mga sumusumpa sa araw, ng mga bihasa sa paggising sa Leviatan. Magdilim nawa ang mga bituin ng pagbubukang-liwayway niyon; hayaang umasa ito ng liwanag, ngunit hindi magkakaroon, ni mamalas ang mga talukap-mata ng umaga, sapagkat hindi nito tinakpan ang mga pinto ng sinapupunan ng aking ina, o ikinubli man ang kaguluhan sa aking mga mata. "Bakit hindi pa ako namatay nang ako'y isilang? Bakit hindi ako nalagutan ng hininga nang ako'y iluwal? Bakit tinanggap ako ng mga tuhod? O bakit ang mga dibdib, na aking sususuhan? Sapagkat nahihimlay at natatahimik na sana ako, ako sana'y natutulog; nagpapahinga na sana ako; kasama ng mga hari at ng mga tagapayo ng daigdig, na muling nagtayo ng mga guho para sa kanilang sarili, o kasama ng mga prinsipeng may mga ginto, na pinuno ng pilak ang kanilang bahay. Bakit hindi pa ako inilibing tulad ng batang patay nang isilang, gaya ng sanggol na hindi nakakita ng liwanag kailanman? Doon ang masama ay tumitigil sa paggambala, at doo'y ang pagod ay nagpapahinga. Doon ang mga bilanggo ay sama-samang nagiginhawahan, hindi nila naririnig ang tinig ng nag-aatang ng pasan. Ang hamak at ang dakila ay naroroon, at ang alipin ay malaya sa kanyang panginoon. "Bakit binibigyan ng liwanag ang nasa kahirapan, at ng buhay ang kaluluwang nasa kapighatian, na nasasabik sa kamatayan, ngunit hindi ito dumarating; at naghuhukay dito ng higit kaysa mga kayamanang nakalibing; na labis ang kagalakan, at natutuwa kapag natagpuan nila ang libingan? Bakit ang liwanag ay ibibigay sa taong ang daan ay nakatago, at ang taong binakuran ng Diyos? Sapagkat ang buntong-hininga ko ay dumarating na parang aking pagkain. at ang aking mga daing ay bumubuhos na parang tubig. Sapagkat ang bagay na aking kinatatakutan ay dumarating sa akin, at ang aking pinangingilabutan ay nangyayari sa akin. Hindi ako mapalagay at hindi rin matahimik, wala akong kapahingahan; kundi dumarating ang kaguluhan." Pagkatapos ay sumagot si Elifaz na Temanita, na sinasabi, "Kung may isang mangahas magsalita sa iyo, magdaramdam ka ba? Ngunit sinong makakapigil ng pagsasalita? Tingnan mo, marami kang tinuruan, at pinalakas mo ang mahihinang kamay. Ang mga salita mo ay umalalay sa mga natitisod, at pinalakas mo ang mahihinang tuhod. Subalit ngayo'y inabutan ka nito, at ikaw ay naiinip; ito'y nakarating sa iyo, at ikaw ay balisa. Hindi ba ang iyong takot sa Diyos ay ang iyong tiwala, at ang katapatan ng iyong mga lakad ang iyong pag-asa? "Isipin mo ngayon, sino ba ang walang sala na napahamak? O saan ang mga matuwid ay winasak? Ayon sa aking nakita, ang mga nag-aararo ng kasamaan at naghahasik ng kaguluhan ay gayundin ang inaani. Sa hininga ng Diyos sila'y namamatay, at sa bugso ng kanyang galit sila'y natutupok. Ang ungal ng leon, at ang tinig ng mabangis na leon, at ang mga ngipin ng mga batang leon ay nababali. Ang malakas na leon ay namamatay dahil walang nasisila, at ang mga anak ng inahing leon ay nagkalat. "Ngayo'y may salitang dinala sa akin nang lihim, at tinanggap ng aking tainga ang bulong niyon. Sa gitna ng mga pag-iisip mula sa mga panggabing pangitain, kapag ang mahimbing na tulog sa mga tao ay dumarating; ang takot ay dumating sa akin, at ang pangingilabot, na nagpanginig sa lahat ng aking mga buto. At dumaan ang isang espiritu sa harap ng aking mukha; ang balahibo ng aking balat ay nagtindigan. Tumayo iyon, ngunit hindi ko mawari ang anyo niyon. Isang anyo ang nasa harap ng aking mga mata; nagkaroon ng katahimikan, at ako'y nakarinig ng isang tinig: 'Maaari bang maging matuwid ang taong may kamatayan sa harapan ng Diyos? Maaari bang maging malinis ang tao sa harapan ng kanyang Lumikha? Maging sa kanyang mga lingkod ay hindi siya nagtitiwala, at ang kanyang mga anghel ay pinaparatangan niya ng kamalian; gaano pa kaya silang tumatahan sa mga bahay na putik, na ang pundasyon ay nasa alabok, na napipisang gaya ng gamu-gamo. Sa pagitan ng umaga at gabi, sila ay nawawasak; sila'y namamatay magpakailanman na walang pumapansin. Kung nalalagot ang tali ng kanilang tolda sa loob nila, hindi ba sila'y namamatay na walang karunungan?' "Tumawag ka ngayon; may sasagot ba sa iyo? At kanino sa mga banal ka babaling? Tunay na pinapatay ng pagkayamot ang taong hangal, at pinapatay ng panibugho ang mangmang. Nakakita na ako ng hangal na nag-uugat, ngunit bigla kong sinumpa ang kanyang tirahan. Ang mga anak niya ay malayo sa kaligtasan, sila'y dinudurog sa pintuan at walang magligtas sa kanila isa man. Ang kanyang ani ay kinakain ng gutom, at kinukuha niya ito maging mula sa mga tinik, at ang bitag ay naghahangad sa kanilang kayamanan. Sapagkat ang paghihirap ay hindi nanggagaling sa alabok, ni ang kaguluhan ay sumisibol man sa lupa; kundi ang tao ay ipinanganak tungo sa kaguluhan, kung paanong ang siklab, sa itaas ay pumapailanglang. "Ngunit sa ganang akin, ang Diyos ay aking hahanapin, at sa Diyos ko ipagkakatiwala ang aking usapin, na siyang gumagawa ng mga dakilang bagay at hindi maintindihan, mga kamanghamanghang bagay na hindi mabilang, nagbibigay siya ng ulan sa lupa, at nagdadala ng tubig sa mga bukid; kanyang itinataas ang mga mapagpakumbaba, at ang mga tumatangis ay itinataas sa katiwasayan. Kanyang binibigo ang mga pakana ng tuso, anupa't ang kanilang mga kamay ay hindi nagkakamit ng tagumpay. Kanyang hinuhuli ang marunong sa kanilang sariling katusuhan; at ang balak ng madaya ay dagling nawawakasan. Nakakasalubong nila sa araw ang kadiliman, at nangangapa na gaya nang sa gabi kahit katanghalian. Ngunit siya'y nagliligtas mula sa tabak ng kanilang bibig, at ang maralita mula sa kamay ng makapangyarihan. Kaya't ang dukha ay may pag-asa, at itinitikom ng kawalang-katarungan ang bibig niya. "Narito, mapalad ang tao na sinasaway ng Diyos, kaya't huwag mong hamakin ang pagtutuwid ng Makapangyarihan sa lahat. Sapagkat siya'y sumusugat, ngunit kanyang tinatalian; siya'y nananakit, ngunit nagpapagaling ang kanyang mga kamay. Ililigtas ka niya mula sa anim na kaguluhan; sa ikapito ay walang kasamaang gagalaw sa iyo. Sa taggutom ay tutubusin ka niya mula sa kamatayan; at sa digmaan, mula sa tabak na makapangyarihan. Ikaw ay ikukubli mula sa hagupit ng dila; at hindi ka matatakot sa pagkawasak kapag ito'y dumating. Sa pagkawasak at taggutom, ikaw ay tatawa, at hindi ka matatakot sa mababangis na hayop sa lupa. Sapagkat ikaw ay makakasundo ng mga bato sa parang; at ang mga ganid sa parang sa iyo ay makikipagpayapaan. Malalaman mo na ang iyong tolda ay ligtas, at dadalawin mo ang iyong kulungan, at walang nawawalang anuman. Malalaman mo rin na ang iyong lahi ay magiging marami, at ang iyong supling ay magiging gaya ng damo sa lupa. Tutungo ka sa iyong libingan sa ganap na katandaan, gaya ng bigkis ng trigo na dumarating sa giikan sa kanyang kapanahunan. Narito, siniyasat namin ito; ito ay totoo. Dinggin mo, at alamin mo para sa kabutihan mo." Pagkatapos ay sumagot si Job at sinabi, "O tinimbang sana ang aking pagkayamot, at lahat ng aking mga sakuna ay inilagay sana sa mga timbangan. Sapagkat kung gayon iyon ay magiging mas mabigat pa kaysa buhangin sa dagat; kaya't ang aking mga salita ay naging padalus-dalos. Sapagkat ang mga palaso ng Makapangyarihan sa lahat ay nasa akin, iniinom ng aking espiritu ang kanilang lason; ang mga kilabot ng Diyos ay nakahanay laban sa akin. Umuungal ba ang mailap na asno kapag mayroon siyang damo? O inuungalan ba ng baka ang kanyang pagkain? Ang wala bang lasa ay makakain nang walang asin? O mayroon bang lasa ang puti ng isang itlog? Wala akong ganang hawakan ang mga iyon; ang mga iyon ay parang nakakapandiring pagkain sa akin. "Makamit ko nawa ang aking kahilingan; at ipagkaloob nawa ng Diyos ang aking minimithi; na kalugdan nawa ng Diyos na durugin ako; na ibitaw niya ang kanyang kamay, at putulin ako! Ito nga ang magiging kaaliwan ko; magsasaya pa ako sa walang tigil na sakit; sapagkat hindi ko itinakuwil ang mga salita ng Banal, Ano ang aking lakas, upang ako'y maghintay? At ano ang aking wakas upang ako'y magtiis? Ang lakas ko ba ay lakas ng mga bato? o ang laman ko ba ay tanso? Sa totoo ay walang tulong sa akin, at anumang mapagkukunan ay inilayo sa akin. "Siyang nagkakait ng kagandahang-loob sa kanyang kaibigan ay nagtatakuwil ng takot sa Makapangyarihan sa lahat. Ang aking mga kapatid ay mapandayang tulad sa batis, na parang daluyan ng mga batis na lumilipas, na madilim dahil sa yelo, malabo dahil sa natutunaw na niyebe. Sa panahon ng init, sila'y nawawala; kapag mainit, sila'y nawawala sa kanilang kinalalagyan. Ang mga pangkat ng manlalakbay ay lumilihis sa kanilang daan; umaakyat sila sa pagkapahamak at namamatay. Tumitingin ang mga pulutong ng manlalakbay mula sa Tema, umaasa ang mga manlalakbay mula sa Sheba. Sila'y nabigo, sapagkat sila'y nagtiwala; sila'y pumaroon at sila'y nalito. Naging ganyan kayo ngayon sa akin, nakikita ninyo ang aking kasawian at kayo'y natatakot. Sinabi ko ba: 'Bigyan ninyo ako ng kaloob?' O, 'Mula sa inyong yaman ay handugan ninyo ako ng suhol?' O, 'Iligtas ninyo ako mula sa kamay ng kaaway?' O, Tubusin ninyo ako mula sa kamay ng mga manlulupig?' "Turuan ninyo ako, at ako'y tatahimik; ipaunawa ninyo sa akin kung paano ako nagkamali. Napakatindi ng mga tapat na salita! Ngunit ang inyong saway, ano bang sinasaway? Sa akala ba ninyo ay masasaway ninyo ang mga salita, gayong ang mga salita ng taong sawi ay hangin? Magpapalabunutan nga kayo para sa ulila, at magtatawaran para sa inyong kaibigan. "Subalit ngayon, tumingin kayo sa akin na may kaluguran, sapagkat hindi ako magsisinungaling sa iyong harapan. Bumalik kayo, isinasamo ko sa inyo, huwag magkaroon ng kamalian. Oo, kayo'y magsibalik, nakataya rito ang aking katuwiran. May masama ba sa aking dila? Hindi ba nakakabatid ng kasawian ang aking panlasa? "Wala bang mahirap na paglilingkod ang tao sa ibabaw ng lupa? At hindi ba ang kanyang mga araw ay gaya ng mga araw ng isang taong upahan? Gaya ng alipin na naghahangad ng lilim, at gaya ng upahang manggagawa na sa kanyang sahod ay tumitingin, gayon ako pinaglaanan ng mga buwan na walang kabuluhan, at itinakda sa akin ang mga gabi ng kalungkutan. Kapag ako'y nahihiga, aking sinasabi, 'Kailan ako babangon? Ngunit mahaba ang gabi, at ako'y pabalibaligtad hanggang sa pagbubukangliwayway. Ang aking laman ay nadaramtan ng mga uod at ng libag; tumitigas ang aking balat, pagkatapos ay namumutok. Ang aking mga araw ay matulin kaysa panghabi ng manghahabi, at nagwawakas na walang pag-asa. "Alalahanin mo na ang aking buhay ay isang hininga; hindi na muling makakakita ng mabuti ang aking mata. Ang mata niyang nakatingin sa akin ay hindi na ako muling makikita; habang ang iyong mga mata ay nakatuon sa akin, ako ay maglalaho. Kung paanong ang ulap ay napapawi at nawawala, gayon hindi na aahon pa ang taong sa Sheol ay bumababa. Hindi na siya babalik pa sa kanyang bahay, ni hindi na siya makikilala ng kanyang lugar. "Kaya't hindi ko pipigilan ang aking bibig; ako'y magsasalita sa kadalamhatian ng aking espiritu; ako'y dadaing sa kapaitan ng aking kaluluwa. Ako ba'y dagat, o dambuhala sa dagat, upang maglagay ka ng bantay sa akin? Kapag sinasabi ko, 'Aaliwin ako ng aking tulugan, pagagaanin ng aking higaan ang aking pagdaramdam.' Kung magkagayo'y tinatakot mo ako ng mga panaginip, at sinisindak ako ng mga pangitain, anupa't pinipili ng aking kaluluwa ang pagkabigti at ang kamatayan kaysa aking mga buto. Kinasusuklaman ko ang aking buhay; ayaw kong mabuhay magpakailanman. Hayaan mo akong mag-isa, sapagkat ang aking mga araw ay parang isang hininga. Ano ang tao, na itinuturing mong dakila, at iyong itinutuon ang iyong isip sa kanya, at iyong dinadalaw siya tuwing umaga, at sinusubok siya sa tuwi-tuwina? Gaano katagal mo akong hindi titingnan ni babayaan akong nag-iisa hanggang sa malunok ko ang aking laway? Kung ako'y nagkasala, ano ang aking magagawa sa iyo, O ikaw na bantay sa mga tao? Bakit ginawa mo akong iyong tudlaan? Bakit ako'y naging iyong pasan? At bakit hindi mo ipinatatawad ang aking pagsalangsang, at inaalis ang aking kasamaan? Sapagkat ngayo'y mahihiga ako sa alabok; ako'y hahanapin mo ngunit ako'y hindi matatagpuan." Pagkatapos ay sumagot si Bildad na Suhita, at sinabi, "Hanggang kailan mo sasabihin ang mga bagay na ito, at ang mga salita ng iyong bibig na gaya ng malakas na hangin? Binabaluktot ba ng Diyos ang katarungan? O nililiko ba ng Makapangyarihan sa lahat ang matuwid? Kung ang iyong mga anak ay nagkasala laban sa kanya, sa kapangyarihan ng kanilang pagsalangsang ay kanyang ibinigay sila. Kung hahanapin mo ang Diyos, at dadaing ka sa Makapangyarihan sa lahat; kung ikaw ay dalisay at matuwid; tiyak na gigising siya dahil sa iyo, at ibabalik ka sa iyong matuwid na tirahan. At bagaman maliit ang iyong pasimula, ang iyong huling wakas ay magiging napakadakila. "Sapagkat magsiyasat ka sa mga nagdaang panahon, hinihiling ko sa iyo, at isaalang-alang mo ang natuklasan ng mga ninuno; sapagkat tayo'y sa kahapon lamang, at walang nalalaman, sapagkat ang ating mga araw sa lupa ay isang anino. Hindi ka ba nila tuturuan, at sasabihin sa iyo, at bibigkas ng mga salita mula sa kanilang pang-unawa? "Lalago ba ang yantok kung walang latian? Tutubo ba ang tambo kung walang tubig? Habang namumukadkad pa at hindi pa pinuputol, una silang nalalanta kaysa alinmang halaman. Gayon ang mga landas ng lahat ng lumilimot sa Diyos; ang pag-asa ng masamang tao ay maglalaho. Ang kanyang pagtitiwala ay masisira, at sapot ng gagamba ang kanyang tiwala. Siya'y sasandal sa kanyang bahay, ngunit ito'y hindi tatayo; siya'y hahawak dito, ngunit hindi ito magtatagal. Siya'y nananariwa sa harap ng araw, at ang kanyang mga suwi ay sumisibol sa kanyang halamanan. Ang kanyang mga ugat ay kumapit sa palibot ng bunton, kanyang minamasdan ang dako ng mga bato. Kung siya'y nawasak sa kanyang kinalalagyan, kung magkagayo'y ikakaila siya nito, na sinasabi: 'Hindi kita kailanman nakita.' Tingnan mo, ito ang kagalakan ng landas niya; at mula sa lupa ay sisibol ang iba. "Tingnan mo, hindi itatakuwil ng Diyos ang taong walang kapintasan, ni aalalayan man ang kamay ng mga gumagawa ng kasamaan. Kanya namang pupunuin ng pagtawa ang iyong bibig, at ang iyong mga labi ng pagsigaw. Silang napopoot sa iyo ay mabibihisan ng kahihiyan, at ang tolda ng masama ay mapaparam." Pagkatapos ay sumagot si Job, at sinabi, "Sa katotohanan ay alam kong gayon nga: Ngunit paano magiging matuwid ang isang tao sa harapan ng Diyos? Kung naisin ng isang tao na sa kanya ay makipagtalo, siya'y hindi makakasagot sa kanya ni minsan sa isang libo. Siya ay pantas sa puso, at malakas sa kapangyarihan: Sinong nagmatigas laban sa kanya at nagtagumpay? Na siyang naglilipat ng mga bundok, at hindi nila nababatid, nang kanyang itaob sila sa kanyang pagkagalit; na siyang umuuga ng lupa mula sa kanyang kinaroroonan, at ang mga haligi nito ay nanginginig; na siyang nag-uutos sa araw at ito'y hindi sumisikat, na siyang nagtatakip sa mga bituin; na nag-iisang nagladlad ng kalangitan, at ang mga alon ng dagat ay tinapakan; na siyang gumawa sa Oso at Orion, at sa Pleyades, at sa mga silid ng timog; na gumagawa ng mga dakilang bagay na di maunawaan, at mga kamanghamanghang bagay na di mabilang. Siya'y dumaraan sa tabi ko, at hindi ko siya nakikita. Siya'y nagpapatuloy ngunit hindi ko siya namamalayan. Siya'y nang-aagaw, sinong makakahadlang sa kanya? Sinong magsasabi sa kanya, 'Anong ginagawa mo?' "Hindi iuurong ng Diyos ang kanyang galit; ang mga katulong ng Rahab ay nakayukod sa ilalim niya. Paano ko ngang masasagot siya, at mapipili ang aking mga salita laban sa kanya? Bagaman ako'y walang sala, hindi ako makakasagot sa kanya; kailangang ako'y magmakaawa sa aking hukom. Kung siya'y ipatawag ko at siya'y sumagot sa akin; gayunma'y hindi ako maniniwala na kanyang dininig ang aking tinig. Sapagkat ako'y dinudurog niya sa pamamagitan ng isang bagyo, at pinararami ang aking mga sugat nang walang kadahilanan. Hindi niya ako tutulutang makahinga, sa halip ay pinupuno niya ako ng kapaitan. Kung ito'y tagisan ng lakas, siya ang malakas! At kung tungkol sa katarungan, sino ang magpapatawag sa kanya? Bagaman ako'y walang sala, hahatulan ako ng sarili kong bibig; bagaman ako'y walang dungis, patutunayan niya akong masama. Ako'y walang dungis, hindi ko pinapansin ang sarili ko, kinasusuklaman ko ang buhay ko. Ang lahat ay iisa; kaya't aking sinasabi, kapwa niya pinupuksa ang masama at ang mabuti. Kapag ang sakuna ay nagdadala ng biglang kamatayan, tinutuya niya ang kapahamakang dumating sa walang kasalanan. Ang lupa ay ibinigay sa kamay ng masama, kanyang tinatakpan ang mga mukha ng mga hukom nito; kung hindi siya iyon, kung gayo'y sino? "Ang mga araw ko ay mas matulin kaysa isang mananakbo, sila'y tumatakbong palayo, wala silang nakikitang mabuti. Sila'y dumaraang parang matutuling bangkang tambo, parang agilang dumadagit sa biktima. Kung aking sabihin, 'Kalilimutan ko ang aking daing, papawiin ko ang aking malungkot na mukha, at magpapakasaya ako.' Ako'y natatakot sa lahat kong paghihirap, sapagkat alam kong hindi mo ako ituturing na walang sala. Ako'y mahahatulan; bakit pa ako magpapakapagod nang walang kabuluhan? Kung ako'y maligo sa niyebe, at hugasan ko ang aking mga kamay sa lihiya, gayunma'y itutulak mo ako sa hukay, at kamumuhian ako ng mga sarili kong kasuotan. Sapagkat siya'y hindi tao, na gaya ko, na masasagot ko siya, na kami'y magkasamang haharap sa paglilitis. Walang hukom sa pagitan namin, na magpapatong ng kanyang kamay sa aming dalawa. Ilayo nawa niya sa akin ang kanyang tungkod, at huwag nawa akong sindakin ng kanyang bagsik. Saka ako magsasalita nang walang takot tungkol sa kanya, sapagkat hindi ako gayon sa aking sarili. “Kinasusuklaman ko ang aking buhay; malaya kong bibigkasin ang aking buhay; malaya kong bibigkasin ang aking karaingan; ako'y magsasalita sa kapaitan ng aking kaluluwa. Sasabihin ko sa Diyos, Huwag mo akong hatulan; ipaalam mo sa akin kung bakit mo ako kinakalaban. Mabuti ba sa iyo na ikaw ay magpahirap, na iyong hamakin ang gawa ng iyong mga kamay at iyong sang-ayunan ang mga pakana ng masama? Ikaw ba'y may mga matang laman? Ikaw ba'y nakakakita tulad ng pagkakita ng tao? Ang iyo bang mga araw ay gaya ng mga araw ng tao, o ang iyong mga taon ay gaya ng mga taon ng tao, upang ikaw ay maghanap ng kasamaan ko, at mag-usisa ng kasalanan ko, bagaman iyong nalalaman na ako'y hindi nagkasala, at walang makapagliligtas mula sa iyong kamay? Ang iyong mga kamay ang humugis at gumawa sa akin, at ngayo'y pumipihit ka at pinupuksa ako. Iyong alalahanin, na ako'y ginawa mo mula sa luwad, at ibabalik mo ba akong muli sa alabok? Hindi mo ba ako ibinuhos na parang gatas, at binuo mo akong parang keso? Ako'y dinamitan mo ng balat at laman, at ako'y hinabi mo ng mga buto at mga litid. Ako'y pinagkalooban mo ng buhay at tapat na pag-ibig, at ang iyong kalinga ang nag-ingat ng aking espiritu. Gayunma'y ang mga bagay na ito ay iyong ikinubli sa iyong puso; alam ko na ito ang layunin mo. Kung ako'y magkasala, ako nga'y iyong tinatandaan, at hindi mo ako pinawawalang-sala sa aking kasamaan. Kung ako'y masama, kahabag-habag ako! Kung ako'y matuwid, hindi ko maitaas ang aking ulo; sapagkat ako'y puspos ng kahihiyan, at tingnan mo ang aking kahirapan. At kung itaas ko ang aking sarili, tinutugis mo akong parang leon; at ipinapakita mong muli ang iyong kapangyarihan saakin. Pinanunumbalik mo ang iyong mga pagsaksi laban sa akin, at dinaragdagan mo ang iyong galit sa akin; nagdadala ka ng mga bagong hukbo laban sa akin. "Bakit mo pa ako inilabas sa sinapupunan? Namatay na sana ako bago pa ako nakita ng alinmang mata. Ako sana'y naging parang hindi nabuhay; nadala sana ako mula sa sinapupunan hanggang sa libingan. Hindi ba iilan ang mga araw ng aking buhay? Tapusin mo na nga! Bayaan mo na ako, upang ako'y makatagpo ng kaunting kaginhawahan, bago ako magtungo na mula roo'y hindi ako makakabalik, sa lupain ng kapanglawan at ng pusikit na kadiliman, sa lupain ng kapanglawan gaya ng kadiliman ng malalim na anino na walang kaayusan, na doon ay nagliliwanag na gaya ng kadiliman." Nang magkagayo'y sumagot si Zofar na Naamatita, at sinabi, "Hindi ba sasagutin ang karamihan ng mga salita? At mapawalang-sala ang lalaking madada? Patatahimikin ba ang mga tao ng iyong kangangawa, wala bang hihiya sa iyo kapag ikaw ay nanunuya? Sapagkat iyong sinasabi, 'Ang aking aral ay dalisay, at ako'y malinis sa iyong mga mata!' Ngunit ang Diyos nawa'y magsalita, at ibuka ang kanyang mga labi sa iyo; at ipakilala nawa sa iyo ang mga lihim ng karunungan! Pagka't siya ay sagana sa kaunawaan. Alamin mo na sinisingil ka ng Diyos ng kulang pa kaysa nararapat sa iyong kasalanan. "Matatagpuan mo ba ang malalalim na bagay ng Diyos? Matatagpuan mo ba ang hangganan ng Makapangyarihan sa lahat? Ito ay mataas kaysa langit; anong iyong magagawa? Malalim kaysa Sheol — anong iyong malalaman? Ang sukat nito ay mas mahaba kaysa lupa, at mas malawak kaysa dagat. Kung siya'y dumaan, at magbilanggo, at tumawag ng paglilitis, sinong makakapigil sa kanya? Sapagkat nakikilala niya ang mga taong walang kabuluhan, kapag nakakita siya ng kasamaan, hindi ba niya ito isasaalang-alang? Ngunit ang taong hangal ay magkakaroon ng pagkaunawa, kapag ang asno ay ipinanganak na tao. "Kung itutuwid mo ang iyong puso, iuunat mo ang iyong kamay sa kanya. Kung ang kasamaan ay nasa iyong kamay, ilayo mo ito, at huwag nawang manirahan ang kasamaan sa iyong mga tolda. Walang pagsala ngang itataas mo ang iyong mukha na walang kapintasan; ikaw ay hindi matatakot at magiging tiwasay. Malilimutan mo ang iyong kahirapan, iyong maaalala ito na parang tubig na umagos. At ang iyong buhay ay magiging lalong maliwanag kaysa katanghalian at magiging gaya ng umaga ang kanyang kadiliman. At ikaw ay mapapanatag sapagkat may pag-asa; ikaw ay mapapangalagaan, at tiwasay kang magpapahinga. Ikaw nama'y hihiga at walang mananakot sa iyo; maraming hihingi ng kalinga mo. Ngunit ang mga mata ng masama ay manghihina, at mawawalan sila ng daang tatakasan, at ang kanilang pag-asa ay hininga'y malagutan." Nang magkagayo'y sumagot si Job, at sinabi, "Walang pag-aalinlangan na kayo ang bayan, at mamamatay na kasama ninyo ang karunungan. Ngunit ako'y may pagkaunawa na gaya ninyo; hindi ako mas mababa sa inyo. Sinong hindi nakaalam ng mga bagay na gaya nito? Ako'y katatawanan sa aking mga kaibigan, ako na tumawag sa Diyos, at ako'y sinagot niya, isang ganap at taong sakdal, ay katatawanan. Sa pag-iisip ng isang nasa katiwasayan ay may pagkutya sa kasawian; nakahanda iyon sa mga nadudulas ang mga paa. Ang mga tolda ng mga magnanakaw ay may kapayapaan, at silang nanggagalit sa Diyos ay tiwasay; na inilalagay ang kanilang diyos sa kanilang kamay. "Ngunit ngayo'y tanungin mo ang mga hayop, at tuturuan kanila; ang mga ibon sa himpapawid, at kanilang sasabihm sa iyo; o ang mga halaman sa lupa, at tuturuan ka nila; at ang mga isda sa dagat ay magpapahayag sa iyo. Sinong hindi nakakaalam sa lahat ng mga ito, na ang kamay ng PANGINOON ang gumawa nito? "Nasa kamay niya ang buhay ng bawat bagay na may buhay, at ang hininga ng lahat ng mga tao. Hindi ba sumusubok ang mga salita ng pandinig, gaya ng ngalangala na lumalasa ng pagkain? Nasa matatanda ang karunungan, ang haba ng buhay ay ang kaunawaan. "Nasa Diyos ang karunungan at kalakasan; kanya ang payo at kaunawaan. Kapag siya'y nagpabagsak, walang makakapagtayo, kapag ikinulong niya ang tao, walang makakapagbukas. Kapag kanyang pinigil ang tubig, natutuyo ito; kapag kanyang pinaagos, ang lupa ay inaapawan nito. Nasa kanya ang kalakasan at ang karunungan, ang nadaya at ang mandaraya ay kanya. Kanyang pinalalakad na hubad ang mga tagapayo, at ginagawa niyang hangal ang mga hukom. Kanyang kinakalag ang gapos ng mga hari, at binibigkisan ang kanilang mga baywang ng pamigkis. Ang mga pari ay hubad niyang pinalalakad, at pinababagsak ang makapangyarihan. Kanyang inaalisan ng pananalita ang pinagtitiwalaan, at inaalis ang pagkaunawa ng mga nakakatanda. Siya'y nagbubuhos ng kutya sa mga pinuno, at kinakalag ang pamigkis ng malakas. Inililitaw niya ang malalalim mula sa kadiliman, at inilalabas sa liwanag ang pusikit na kadiliman. Kanyang pinadadakila ang mga bansa, at winawasak ang mga ito. Kanyang pinalalaki ang mga bansa, at itinataboy ang mga ito. Kanyang inaalis ang pang-unawa mula sa mga pinuno ng bayan sa lupa, at kanyang pinalalaboy sila sa ilang na walang lansangan. Sila'y nangangapa sa dilim na walang liwanag, at kanyang pinasusuray sila na gaya ng isang lasing. "Narito, nakita ang lahat ng ito ng aking mata, ang aking tainga ay nakarinig at nakaunawa. Kung ano ang iyong nalalaman, ay nalalaman ko rin naman: Hindi ako mababa sa inyo. Ngunit ako'y magsasalita sa Makapangyarihan sa lahat, at nais kong ipagtanggol ang aking usapin sa Diyos. Ngunit kayo'y mapagkatha ng mga kabulaanan, kayong lahat ay mga manggagamot na walang kabuluhan. Nawa ay tumahimik kayong lahat, at magiging inyong karunungan! Dinggin ninyo ngayon ang aking pangangatuwiran, at ang mga pakikiusap ng aking mga labi ay inyong pakinggan. Kayo ba'y magsasalita ng kabulaanan para sa Diyos, at mangungusap na may pandaraya para sa kanya? Kayo ba'y magpapakita ng pagpanig sa kanya? Ipapakiusap ba ninyo ang usapin para sa Diyos? Makakabuti ba sa inyo kapag siniyasat niya kayo? O madadaya mo ba siya tulad ng pandaraya sa isang tao? Walang pagsalang sasawayin niya kayo, kung sa lihim ay magpapakita kayo ng pagtatangi. Hindi ba kayo tatakutin ng kanyang kamahalan, at ang sindak sa kanya ay sasainyo? Ang inyong mga di-malilimot na kasabihan ay kawikaang abo, ang inyong mga sanggalang ay mga sanggalang na putik. "Bigyan ninyo ako ng katahimikan, at ako'y magsasalita, at hayaang dumating sa akin ang anuman. Bakit kakagatin ng aking mga ngipin ang aking laman, at ilalagay ko ang aking buhay sa aking kamay? Bagaman ako'y patayin niya, ako'y aasa pa rin sa kanya, gayunma'y ipagtatanggol ko ang aking mga lakad sa harapan niya. Ito ang aking magiging kaligtasan, na ang isang masamang tao ay hindi haharap sa kanya. Pakinggan ninyong mabuti ang mga salita ko, at sumainyong mga pakinig ang pahayag ko. Narito ngayon, inihanda ko ang aking usapin; alam ko na ako'y mapapawalang sala. Sino ang makikipagtalo sa akin? Sapagkat kung gayo'y tatahimik ako at mamamatay. Dalawang bagay lamang ang ipagkaloob mo sa akin, kung magkagayo'y hindi ako magkukubli sa iyong mukha: iurong mo nang malayo sa akin ang kamay mo; at huwag akong takutin ng sindak sa iyo. Kung magkagayo'y tumawag ka, at ako'y sasagot; o papagsalitain mo ako, at sa akin ikaw ay sumagot. Ilan ang aking mga kasamaan at mga kasalanan? Ipakilala mo sa akin ang aking pagsalangsang at ang aking kasalanan. Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha, at itinuturing mo akong iyong kaaway? Iyo bang tatakutin ang isang dahong pinapaspas ng hangin, at ang tuyong ipa ay iyo bang hahabulin? Sapagkat ikaw ay sumusulat laban sa akin ng mapapait na bagay, at ipinamamana mo sa akin ang mga kasamaan ng aking kabataan. Iyo ring inilalagay ang aking mga paa sa kadenahan, at minamanmanan mo ang lahat kong daan, ikaw ay naglalagay ng hang-ganan sa aking talampakan. Bagaman ako'y parang bagay na bulok na natutunaw, na parang damit na kinakain ng bukbok. "Ang tao, na ipinanganak ng babae ay may kaunting araw, at puno ng kaguluhan. Siya'y umuusbong na gaya ng bulaklak, at nalalanta; siya'y nawawalang gaya ng anino, at hindi namamalagi. At iyo bang iminumulat ang iyong mga mata sa isang gaya nito, at dinadala siya sa kahatulan na kasama mo? Sinong makakakuha ng malinis na bagay mula sa marumi? Walang sinuman. Yamang ang kanyang mga araw ay itinakda na, at ang bilang ng kanyang mga buwan ay nasa iyo, at iyong itinalaga ang kanyang mga hangganan upang huwag siyang makaraan; ilayo mo sa kanya ang iyong paningin, at ikaw ay huminto, upang siya'y masiyahan sa kanyang araw tulad ng isang taong upahan. "Sapagkat may pag-asa sa isang punungkahoy, na kung ito'y putulin ay muling sisibol, at ang sariwang sanga niyon ay hindi hihinto. Bagaman ang kanyang ugat ay tumanda sa lupa, at ang tuod niyon ay mamatay sa lupa; gayunma'y sa pamamagitan ng amoy ng tubig ay sisibol iyon, at magsasanga na gaya ng batang halaman. Ngunit ang tao ay namamatay at ibinabaon; ang tao ay nalalagutan ng hininga, at saan siya naroon? Kung paanong ang tubig ay lumalabas sa dagat, at ang ilog ay humuhupa at natutuyo; gayon ang tao ay humihiga at hindi na bumabangon; hanggang sa ang langit ay mawala, siya'y hindi na muling magigising, ni mapupukaw man sa kanilang pagkakatulog. O sa Sheol ay ikubli mo ako nawa, itago mo ako hanggang sa ang iyong poot ay mawala, takdaan mo nawa ako ng takdang panahon, at ako'y iyong alalahanin! Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya? Lahat ng araw ng aking pagpupunyagi ay ipaghihintay ko, hanggang sa dumating ang pagbabago ko. Ikaw ay tatawag, at ako'y sasagot sa iyo; iyong nanasain ang gawa ng mga kamay mo. Kung magkagayo'y bibilangin mo ang aking mga hakbang, at hindi mo babantayan ang aking kasalanan. Ang aking pagsalangsang ay itatago sa isang lalagyan, at iyong tatakpan ang aking kasamaan. "Ngunit ang bundok ay natitibag at nawawala, at ang bato ay inalis sa kinaroroonan niyon; inaagnas ng tubig ang mga bato; tinatangay ng mga baha niyon ang alabok ng lupa; sa gayon mo winasak ang pag-asa ng tao. Ikaw ay nananaig kailanman laban sa kanya, at siya'y pumapanaw; iyong binabago ang kanyang mukha, at iyong pinalayas siya. Ang kanyang mga anak ay nagkaroon ng karangalan, at hindi niya nalalaman; sila'y ibinababa, ngunit hindi niya iyon nahahalata. Ngunit ang sakit lamang ng kanyang katawan ay nagbibigay ng sakit sa kanya, at nagluluksa lamang siya para sa kanyang sarili!" Nang magkagayo'y sumagot si Elifaz na Temanita, at sinabi, "Sasagot ba ang isang pantas ng may mahanging kaalaman, at pupunuin ang kanyang sarili ng hanging silangan? Makikipagtalo ba siya sa walang kabuluhang pag-uusap, o ng mga salita na hindi siya makakagawa ng mabuti? Ngunit inaalis mo ang takot sa Diyos, at iyong pinipigil ang pagbubulay-bulay sa harap ng Diyos. Sapagkat ang iyong kasamaan ang nagtuturo sa bibig mo, at iyong pinipili ang dila ng tuso. Ang iyong sariling bibig ang humahatol sa iyo, at hindi ako; ang iyong sariling mga labi ang nagpapatotoo laban sa iyo. "Ikaw ba ang unang tao na ipinanganak? O lumabas ka bang una kaysa mga burol? Nakinig ka na ba sa lihim na payo ng Diyos? At iyo bang hinahangganan ang karunungan sa iyong sarili? Anong nalalaman mo na di namin nalalaman? Anong nauunawaan mo na sa amin ay hindi malinaw? Kasama namin kapwa ang mga may uban at ang matatanda, mas matanda pa kaysa iyong ama. Ang mga pag-aliw ba ng Diyos ay napakaliit para sa iyo, o ang salitang napakabuti sa iyo? Bakit ka napadadala sa iyong puso, at bakit kumikindat ang iyong mga mata, na lumalaban sa Diyos ang iyong espiritu, at binibigkas mo ang ganyang mga salita sa bibig mo? Ano ang tao na siya'y magiging malinis? O siyang ipinanganak ng babae, na siya'y magiging matuwid? Ang Diyos ay hindi nagtitiwala sa kanyang mga banal; at ang langit ay hindi malinis sa kanyang paningin. Gaano pa nga kaliit ang karumaldumal at hamak, ang taong umiinom ng kasamaan na parang tubig! "Ipapakilala ko sa iyo, dinggin mo ako; at ang aking nakita ay ipahahayag ko. (Ang isinaysay ng mga pantas, at hindi inilingid ng kanilang mga magulang, sa mga iyon lamang ibinigay ang lupain, at walang dayuhan na dumaan sa gitna nila.) Ang masamang tao ay nagdaramdam ng sakit sa lahat ng kanyang araw, sa lahat ng mga taon na itinakda sa malulupit. Ang mga nakakatakot na ugong ay nasa kanyang mga pakinig; sa kaginhawahan ay daratnan siya ng mangwawasak. Siya'y hindi naniniwala na babalik siya mula sa kadiliman, at siya'y nakatakda para sa tabak. Siya'y lumalaboy dahil sa tinapay, na nagsasabi: 'Nasaan iyon?' Kanyang nalalaman na ang araw ng kadiliman ay handa sa kanyang kamay; kahirapan at dalamhati ang tumatakot sa kanya; sila'y nananaig laban sa kanya, na gaya ng isang hari na handa sa pakikipaglaban. Sapagkat iniunat niya ang kanyang kamay laban sa Diyos, at hinamon ang Makapangyarihan sa lahat; tumatakbo na may katigasan laban sa kanya na may makapal na kalasag; sapagkat tinakpan niya ang kanyang mukha ng kanyang katabaan, at nagtipon ng taba sa kanyang mga pigi; at siya'y tumahan sa mga sirang bayan, sa mga bahay na walang taong dapat tumahan, na nakatakdang magiging mga bunton ng guho; hindi siya yayaman, o mamamalagi man ang kanyang kayamanan, ni di lalawak sa lupa ang kanyang mga ari-arian. Siya'y hindi tatakas sa kadiliman; tutuyuin ng apoy ang kanyang mga sanga, at ang kanyang bulaklak ay tatangayin ng hangin. Huwag siyang magtiwala sa kawalang kabuluhan, na dinadaya ang sarili; sapagkat ang kahungkagan ay magiging ganti sa kanya. Ganap itong mababayaran bago dumating ang kanyang kapanahunan, at ang kanyang sanga ay hindi mananariwa. Lalagasin niya ang kanyang mga hilaw na ubas na gaya ng puno ng ubas, at lalagasin ang kanyang bulaklak na gaya ng punong olibo. Sapagkat ang pulutong ng masasama ay baog, at tutupukin ng apoy ang mga toldang suhulan. Sila'y nag-iisip ng kapilyuhan at naglalabas ng kasamaan, at naghahanda ng pandaraya ang kanilang kalooban." Nang magkagayo'y sumagot si Job, at sinabi, "Ako'y nakarinig ng maraming ganyang bagay; kahabag-habag na mga mang-aaliw kayong lahat. Magwawakas ba ang mga mahahanging salita? O anong nag-uudyok sa iyo upang ikaw ay sumagot? Ako ma'y makapagsasalita ring gaya mo, kung ang iyong kaluluwa ay nasa kalagayan ng aking kaluluwa, ako'y makapagdudugtong ng mga salita laban sa iyo, at maiiiling ang aking ulo sa iyo. Maaari kong palakasin kayo ng aking bibig, at ang pag-aliw ng aking mga labi ay mag-aalis ng inyong sakit. "Kapag ako'y nagsasalita, ang aking kirot ay hindi nawawala, at kapag ako'y tumatahimik, gaano dito ang lumalayo sa akin? Ngunit ngayo"y ako'y pinapanghina niya, nilansag niya ang aking buong pulutong. At ako'y pinagdalamhati niya, na siyang saksi laban sa akin, at ang aking kapayatan ay bumabangon laban sa akin, ito'y nagpapatotoo sa aking mukha. Niluray niya ako sa kanyang kapootan, at kinamuhian ako; pinapagngalit niya sa akin ang kanyang mga ngipin; pinandidilatan ako ng mga mata ng kaaway ko. Kanilang pinagbubukahan ako ng kanilang bibig, nakakahiyang sinampal nila ako sa mukha, sila'y nagsama-sama laban sa akin. Ibinigay ako ng Diyos sa di banal, at inihagis ako sa kamay ng masasama. Ako'y nasa kaginhawahan at kanyang niligalig akong mainam; sinunggaban niya ako sa leeg, at pinagpira-piraso ako; inilagay naman niya ako upang kanyang tudlain. Pinalibutan ako ng kanyang mga mamamana, kanyang sinaksak ang aking mga bato, at hindi nagpatawad; kanyang ibinuhos ang aking apdo sa lupa. Kanyang binugbog ako nang paulit-ulit; dinaluhong niya ako na gaya ng isang mandirigma. Tumahi ako para sa aking katawan ng damit-sako, at ang aking lakas sa alabok ay inilugmok ako. Ang aking mukha ay namumula sa pag-iyak, at sa aking mga pilik-mata ay pusikit na kadiliman; bagaman walang karahasan sa aking mga kamay, at ang aking dalangin ay malinis. "O lupa, ang aking dugo ay huwag mong tabunan, at hayaang huwag makatagpo ang aking daing ng lugar na kapahingahan. Kahit na ngayon, ang aking saksi ay nasa kalangitan, at siyang nagtatanggol sa akin ay nasa kaitaasan. Tinutuya ako ng aking mga kaibigan; ang aking mata ay nagbubuhos ng mga luha sa Diyos. Mayroon sanang taong makiusap sa Diyos; gaya ng tao sa kanyang kapwa. Sapagkat pagsapit ng ilang taon, ako'y tutungo sa daan na hindi ko na babalikan. Ang aking espiritu ay nanlulumo, ang aking mga araw ay natatapos, ang libingan ay nakahanda para sa akin. Tunay na may mga manunuya sa aking paligid, at ang aking mata ay nakatuon sa kanilang panggagalit. "Ibigay mo ngayon ang iyong sarili sa sangla; sinong mananagot para sa akin? Yamang iyong sinarhan ang kanilang isipan sa pag-unawa, kaya't hindi mo sila hahayaang magtagumpay. Ang nagsasabi laban sa kanyang mga kaibigan na kunin ang bahagi ng kanilang ari-arian, ang mga mata nga ng kanyang mga anak ay manlalabo. "Ngunit ginawa rin niya akong katatawanan ng bayan, at ako yaong sa mukha ay kanilang niluluraan. Ang aking mata naman ay nanlabo dahil sa kalungkutan, at ang lahat ng mga bahagi ko ay parang isang anino. Mga matuwid na tao ay matitigilan dito, at ang walang sala ay babangon laban sa masama. Gayunma'y magpapatuloy ang matuwid sa kanyang lakad, at ang may malinis na mga kamay ay lalakas nang lalakas. Ngunit tungkol sa inyong lahat, pumarito kayo ngayong muli, at hindi ako makakatagpo ng isang taong pantas sa gitna ninyo. Ang aking mga araw ay lumipas, ang aking mga plano ay nasira, ang mga naisin ng aking puso. Kanilang ginawang araw ang gabi, 'Ang liwanag,' wika nila, 'ay malapit sa kadiliman.' Kung aking hanapin ang Sheol na parang aking bahay; kung aking ilatag ang aking higaan sa kadiliman, kung sabihin ko sa hukay, 'Ikaw ay aking ama,' at sa uod, 'Aking kapatid na babae,' o 'Aking ina,' nasaan nga ang aking pag-asa? Sinong makakakita ng aking pag-asa? Lulusong ba ang mga ito sa mga rehas ng Sheol, magkasama ba kaming bababa sa alabok?" Nang magkagayo'y sumagot si Bildad na Suhita, at sinabi, "Hanggang kailan ka maghahagilap ng mga salita? Inyong isaalang-alang, pagkatapos kami ay magsasahta. Bakit kami ibinibilang na parang mga hayop? Bakit kami hangal sa iyong paningin? Ikaw na sumisira sa iyong sarili sa iyong galit, pababayaan ba ang lupa dahil sa iyo? O aalisin ba ang bato mula sa kinaroroonan nito? "Oo, ang ilaw ng masama ay pinapatay, at ang liyab ng kanyang apoy ay hindi nagliliwanag. Ang ilaw ay madilim sa kanyang tolda, at ang kanyang ilawan sa itaas niya ay pinatay. Ang kanyang malalakas na hakbang ay pinaigsi, at ang kanyang sariling pakana ang nagpabagsak sa kanya. Sapagkat siya'y inihagis sa lambat ng kanyang sariling mga paa, at siya'y lumalakad sa silo. Isang bitag ang humuli sa kanyang mga sakong, isang silo ang humuli sa kanya. Ang lubid ay ikinubli para sa kanya sa lupa, isang patibong na para sa kanya sa daan. Mga nakakatakot ang tumakot sa kanya sa bawat panig, at hinahabol siya sa kanyang mga sakong. Nanlalata sa gutom ang kanyang kalakasan, at handa para sa kanyang pagbagsak ang kapahamakan! Dahil sa karamdaman ay nauubos ang kanyang balat, lalamunin ng panganay ng kamatayan ang kanyang mga sangkap. Siya'y niluray sa tolda na kanyang pinagtitiwalaan, at siya'y dinala sa hari ng mga kilabot. Sa kanyang tolda ay nakatira ang di niya kaanu-ano, ang asupre ay ikinalat sa kanyang tahanan. Ang kanyang mga ugat sa ilalim ay natutuyo, at sa ibabaw ay nalalanta ang kanyang sanga. Ang kanyang alaala ay naglalaho sa lupa, at siya'y walang pangalan sa lansangan. Siya'y itatapon mula sa liwanag tungo sa kadiliman, at itataboy sa labas ng sanlibutan. Siya'y walang anak, ni apo man sa kanyang bayan, at walang nalabi sa dati niyang tinitirhan. Silang mula sa kanluran ay mangingilabot sa kanyang araw, at ang lagim ay babalot sa mga nasa silangan. Tunay na ganyan ang tahanan ng mga makasalanan, sa mga hindi nakakakilala sa Diyos ay ganyan ang kalagayan." At sumagot si Job, at sinabi, "Hanggang kailan ninyo ako pahihirapan, at pipira-pirasuhin ako ng mga salita? Makasampung ulit ninyo akong pinulaan, hindi ba kayo nahihiyang gawan ako ng masama? At kung totoo man na nagkamali ako, ay nananatili sa aking sarili ang pagkakamali ko. Kung tunay na itinataas ninyo ang inyong sarili laban sa akin, at gawin ang aking kakutyaan bilang katuwiran laban sa akin, alamin ninyo ngayon na inilagay ako ng Diyos sa pagkakamali, at isinara ang kanyang lambat sa paligid ko. Narito, ako'y sumisigaw, 'Karahasan!' ngunit hindi ako pinapakinggan, ako'y humihiyaw ngunit walang katarungan. Kanyang pinaderan ang aking daan kaya't hindi ako makaraan, siya'y naglagay ng kadiliman sa aking mga daan. Hinubaran niya ako ng aking kaluwalhatian, at inalis ang korona sa aking ulo. Kanyang inilugmok ako sa bawat dako, at ako'y pumanaw, at ang aking pag-asa ay binunot niyang parang punungkahoy. Kanya rin namang pinapagningas ang kanyang poot laban sa akin, at ibinilang niya ako na kanyang kaaway. Ang kanyang mga hukbo ay dumarating na magkakasama, at naglagay ng mga pangkubkob laban sa akin, at nagkampo sa palibot ng aking tolda. "Inilayo niya ang aking mga kapatjd sa akin, at ang aking mga kakilala ay lubusang napalayo sa akin. Ang aking mga kamag-anak at malapit na mga kaibigan, ay nagsilayo sa akin. Kinalimutan ako ng mga panauhin sa aking bahay, itinuring akong isang dayuhan ng aking mga lingkod na kababaihan, sa kanilang paningin ako'y isang taga-ibang bayan. Ako'y tumatawag sa aking lingkod, at hindi ako sinasagot, dapat ko siyang pakiusapan ng aking bibig. Kakaiba ang aking hininga para sa aking asawa, at nakakainis sa mga anak ng sarili kong ina. Pati mga bata ay humahamak sa akin; kapag ako'y tumayo, sila'y nagsasalita laban sa akin. Lahat ng malapit kong mga kaibigan ay napopoot sa akin, at ang aking minamahal ay bumaling laban sa akin. Ang aking buto ay dumidikit sa aking balat at sa aking laman, at ako'y nakatakas nang bahagya lamang. Mahabag kayo sa akin, mahabag kayo sa akin, O kayong mga kaibigan ko; sapagkat hinampas ako ng kamay ng Diyos! Bakit ninyo ako tinutugis na gaya ng Diyos? At hindi pa kayo nasisiyahan sa aking laman? "O masulat nawa ngayon ang mga salita ko! O malimbag nawa sa isang aklat ang mga ito! Sa pamamagitan nawa ng panulat na tingga at bakal, maukit nawa ang mga ito sa bato magpakailanman! Sapagkat nalalaman ko na ang aking Manunubos ay nabubuhay, at sa wakas siya'y tatayo sa lupa; at pagkatapos na masira nang ganito ang aking balat, gayunma'y makikita ko ang Diyos sa aking laman, na aking makikita sa aking tabi, at mamamasdan ng aking mga mata, at hindi ng iba. Ang aking puso ay nanghihina sa loob ko! Kung inyong sabihin, 'Paanong aming tutugisin siya?' at, 'Ang ugat ng pangyayari ay nasumpungan sa kanya;' matakot kayo sa tabak, sapagkat ang poot ang nagdadala ng mga parusa ng tabak, upang inyong malaman na may paghuhukom." Nang magkagayo'y sumagot si Zofar na Naamatita, at sinabi, "Kaya't sinasagot ako ng aking mga pag-iisip, dahil sa pagmamadali na taglay ko. Aking naririnig ang saway na humihiya sa akin, at mula sa espiritu ng aking pagkaunawa ay sumasagot sa akin. Hindi mo ba nalalaman ito nang una, mula nang ang tao'y ilagay sa lupa, na ang pagbubunyi ng masama ay maikli, at ang kagalakan ng masasama ay sandali lamang? Bagaman ang kanyang kataasan ay pumapailanglang hanggang sa langit, at ang kanyang ulo ay umaabot hanggang sa mga ulap; gayunman ay matutunaw siya magpakailanman, na gaya ng kanyang sariling dumi; silang nakakita sa kanya ay magsasabi, 'Nasaan siya?' Siya'y lilipad na papalayong gaya ng panaginip, at hindi masusumpungan. Siya'y hahabulin na parang pangitain sa gabi. Ang mata na nakakita sa kanya ay hindi na siya makikita pa; ni mamamalas pa man siya sa kanyang lugar. Hahanapin ng kanyang mga anak ang lingap ng dukha, at ang kanyang mga kamay ay magsasauli ng kanyang kayamanan. Ang kanyang mga buto ay puno ng lakas ng kabataan, ngunit ito'y hihiga na kasama niya sa alabok. "Bagaman ang kasamaan ay masarap sa kanyang bibig, bagaman kanyang itago sa ilalim ng kanyang dila; bagaman ayaw niyang pakawalan, kundi iniingatan pa sa kanyang bibig; gayunma'y ang kanyang pagkain ay nabago na sa kanyang tiyan, siyang kamandag ng mga ahas sa loob niya. Siya'y sumakmal ng mga kayamanan, at kanyang isinusuka uli; aalisin ng Diyos ang mga iyon sa kanyang tiyan. Kanyang sisipsipin ang kamandag ng mga ahas; papatayin siya ng dila ng ulupong. Hindi niya titingnan ang mga ilog, ang umaagos na mga bukal ng pulot at mantekilya. Kanyang isasauli ang bunga na kanyang pinagpagalan, at hindi niya lulunukin, mula sa pakinabang ng kanyang pangangalakal, hindi siya magtatamo ng kasiyahan. Sapagkat kanyang dinurog at pinabayaan ang dukha; kanyang kinamkam ang isang bahay na hindi niya itinayo. "Sapagkat hindi nakakilala ng katahimikan ang kanyang kasakiman, hindi siya makapag-iimpok ng anuman sa kanyang kinaluluguran. Walang naiwan pagkatapos niyang kumain; kaya't ang kanyang kasaganaan ay hindi mananatili. Sa lubos niyang kasaganaan ay mapipighati sila, lahat ng lakas ng kahirapan ay darating sa kanya. Upang ganap na mapuno ang kanyang tiyan, ihuhulog ng Diyos ang kanyang mabangis na poot sa kanya, at pauulanin sa kanya bilang pagkain niya. Kanyang tatakasan ang bakal na sandata, isang panang tanso ang tatama sa kanya. Ito ay binunot, at lumabas sa kanyang katawan, Oo, ang makintab na talim ay lumalabas mula sa apdo niya; ang panghihilakbot ang dumating sa kanya. Lubos na kadiliman ang nakahanda para sa kanyang kayamanan; ang tutupok sa kanya ay apoy na hindi hinipan, tutupukin niyon ang sa kanyang tolda ay naiwan. Ihahayag ng mga langit ang kanyang kasamaan, at ang lupa ay babangon na sa kanya ay laban. Ang bunga ng kanyang bahay ay kukunin, sa araw ng poot ng Diyos ay kakaladkarin. Ito ang bahagi ng masamang tao mula sa Diyos, at ang manang itinakda sa kanya ng Diyos." Nang magkagayo'y sumagot si Job, at sinabi, "Pakinggan ninyong mabuti ang mga salita ko, at ito'y maging kaaliwan ninyo. Pagtiisan ninyo ako, at ako nama'y magsasalita, at pagkatapos na ako'y makapagsalita, ay saka kayo manuya. Sa ganang akin, ang sumbong ko ba ay laban sa tao? Bakit hindi ako dapat mainip? Tingnan ninyo ako, at manghilakbot kayo, at ilagay ninyo ang inyong kamay sa bibig ninyo. Kapag ito'y aking naaalala ay nanlulumo ako, at nanginginig ang laman ko. Bakit nabubuhay ang masama, tumatanda, at nagiging malakas sa kapangyarihan? Ang kanilang mga anak ay matatag sa kanilang paningin, at nasa harapan ng kanilang mga mata ang kanilang supling. Ligtas sa takot, ang mga bahay nila, ang pamalo ng Diyos ay wala sa kanila. Ang kanilang baka ay naglilihi nang walang humpay, ang kanilang baka ay nanganganak, at hindi napapahamak ang kanyang guya. Kanilang inilabas ang kanilang mga bata na gaya ng kawan, at ang kanilang mga anak ay nagsasayawan. Sila'y nag-aawitan sa saliw ng tamburin at lira, at nagkakatuwaan sa tunog ng plauta. Ang kanilang mga araw sa kaginhawahan ay ginugugol, at sila'y payapang bumababa sa Sheol. At sinasabi nila sa Diyos,'Lumayo ka sa amin!' Hindi namin ninanasa na ang inyong mga lakad ay aming alamin. Ano ang Makapangyarihan sa lahat, upang siya'y paglingkuran namin? At anong pakinabang ang makukuha namin, kung kami sa kanya ay manalangin? Narito, hindi ba ang kanilang kaginhawahan ay nasa kanilang kamay? Ang payo ng masama ay malayo sa akin. "Gaano kadalas pinapatay ang ilaw ng masama? Na ang kanilang kapahamakan ay dumarating sa kanila? Na ipinamamahagi ng Diyos ang sakit sa kanyang galit? Na sila'y gaya ng dayami sa harap ng hangin, at gaya ng ipa na tinatangay ng bagyo? Inyong sinasabi, 'Iniipon ng Diyos ang kanilang kasamaan para sa kanyang mga anak.' Iganti nawa niya sa kanilang sarili, upang ito'y malaman nila. Makita nawa ng kanilang mga mata ang kanilang pagkagiba, at painumin nawa sila ng poot ng Makapangyarihan sa lahat. Sapagkat anong pinapahalagahan nila para sa kanilang bahay pagkamatay nila, kapag ang bilang ng kanilang mga buwan ay natapos na? May makakapagturo ba sa Diyos ng kaalaman? Gayong ang nasa itaas ay kanyang hinahatulan? Ang isa'y namamatay sa kanyang lubos na kasaganaan, ganap na matatag at may katiwasayan. Ang kanyang katawan ay puno ng taba, at ang utak ng kanyang mga buto ay basa. At ang isa pa'y namatay sa paghihirap ng kaluluwa, at kailanman ay hindi nakatikim ng mabuti. Sila'y nakahigang magkasama sa alabok, at tinatakpan sila ng uod. "Tingnan mo, aking nalalaman ang inyong haka, at ang inyong mga balak na gawan ako ng masama. Sapagkat inyong sinasabi, 'Saan naroon ang bahay ng pinuno? At saan naroon ang tolda na tinatahanan ng masama?' Sa mga naglalakbay sa lansangan ay di ba itinanong ninyo? At hindi ba ninyo tinatanggap ang kanilang mga patotoo? Na ang masamang tao ay kaaawaan sa araw ng kapahamakan? Na siya'y ililigtas sa araw ng kapootan? Sinong magpapahayag ng kanyang lakad sa kanyang mukha? At sinong maniningil sa kanya sa kanyang ginawa? Kapag siya'y dinala sa libingan, ay binabantayan ang kanyang himlayan. Ang mga kimpal ng lupa ng libis ay mabuti sa kanya; lahat ng tao ay susunod sa kanya, at hindi mabilang ang mga nauna sa kanya. Paano ngang inyong aaliwin ako ng walang kabuluhan? Walang naiiwan sa inyong mga sagot kundi kabulaanan." Nang magkagayo'y sumagot si Elifaz na Temanita, at sinabi, "Mapapakinabangan ba ng Diyos ang isang tao? Tunay na kapaki-pakinabang sa kanyang sarili ang matalino. May kasiyahan ba sa Makapangyarihan sa lahat kung matuwid ka? O kapag pinasasakdal mo ang iyong mga lakad ay may pakinabang ba siya? Dahil ba sa iyong takot sa kanya na ikaw ay sinasaway niya, at pumapasok siya sa paghuhukom na kasama ka? Hindi ba malaki ang iyong kasamaan? Mga kasamaan mo'y walang hangganan. Sapagkat kumuha ka ng sangla sa iyong kapatid kapalit ng wala, ang hubad ay hinubaran mo ng kasuotan nila. Hindi ka nagbigay ng tubig sa pagod upang uminom, at ikaw ay nagkait ng tinapay sa gutom. Ang makapangyarihang tao ang nagmay-ari ng lupa; at tumahan doon ang taong pinagpala. Ang mga babaing balo ay pinaalis mong walang dala, at nadurog ang mga kamay ng mga ulila. Kaya't ang mga silo ay nasa palibot mo, at biglang takot ang sumasaklot sa iyo, dumilim ang iyong ilaw, anupa't hindi ka makakita, at tinatabunan ka ng tubig-baha. "Hindi ba ang Diyos ay nasa itaas ng kalangitan? Masdan mo ang pinakamataas na mga bituin, sila'y napakaringal! At iyong sinasabi, 'Ano bang nalalaman ng Diyos? Makakahatol ba siya sa kadilimang lubos? Makakapal na ulap ang bumabalot sa kanya, kaya't hindi siya nakakakita; sa balantok ng langit ay lumalakad siya!' Mananatili ka ba sa dating daan, na ang masasamang tao'y ito ang nilakaran? Sila'y inagaw bago dumating ang kapanahunan nila; ang kanilang patibayan ay nadala ng baha. Sinabi nila sa Diyos, 'Lumayo ka sa amin;' at, 'Anong magagawa sa amin ng Makapangyarihan sa lahat?' Gayunma'y pinuno niya ang kanilang mga bahay ng mabubuting bagay — ngunit ang payo ng masama ay malayo sa akin. Nakikita ito ng matutuwid at sila'y natutuwa; at tinatawanan sila ng walang sala na may pangungutya, na nagsasabi, Tiyak na malilipol ang ating mga kalaban, at tinupok ng apoy ang sa kanila'y naiwan.' "Sumang-ayon ka sa Diyos, at ikaw ay mapapayapa; at ang mabuti ay darating sa iyo. Iyong tanggapin ang turo mula sa kanyang bibig, at ilagak mo ang kanyang mga salita sa iyong puso. Kapag ikaw ay manunumbalik sa Makapangyarihan sa lahat, at magpapakumbaba ka, kung iyong ilalayo ang kasamaan mula sa iyong mga tolda, kapag inilagay mo ang ginto sa alabok, at ang ginto ng Ofir sa gitna ng mga bato ng mga batis, at kung ang iyong ginto ay ang Makapangyarihan sa lahat, at siyang iyong mahalagang pilak, kung gayo'y magagalak ka sa Makapangyarihan sa lahat, at ang iyong mukha sa Diyos ay iyong itataas. Ikaw ay dadalangin sa kanya, at kanyang diringgin ka; at iyong tutuparin ang iyong mga panata. Ikaw ay magpapasiya ng isang bagay, at iyon ay matatatag para sa iyo; at ang liwanag ay sisilang sa iyong mga daan. Sapagkat ibinababa ng Diyos ang mapagmataas, ngunit ang mapagpakumbaba ay kanyang inililigtas. Kanyang ililigtas ang taong walang kasalanan; maliligtas ka sa pamamagitan ng kalinisan ng iyong mga kamay." Nang magkagayo'y sumagot si Job, at sinabi, "Ang aking sumbong ngayo'y mapait din, ang kamay niya'y mabigat sa kabila ng aking pagdaing. O kung alam ko lamang kung saan ko siya matatagpuan, upang ako'y makalapit maging sa kanyang upuan! Ilalagay ko ang aking usapin sa kanyang harapan, at pupunuin ko ang aking bibig ng mga pangangatuwiran. Malalaman ko kung ano ang kanyang isasagot sa akin, at mauunawaan ko kung ano ang kanyang sasabihin sa akin. Makikipagtalo ba siya sa akin sa laki ng kanyang kapangyarihan? Hindi; kundi ako'y kanyang papakinggan. Makakapangatuwiran sa kanya ang matuwid doon; at ako'y pawawalang-sala magpakailanman ng aking hukom. "Ako'y lumalakad pasulong ngunit wala siya roon; at pabalik, ngunit hindi ko siya maunawaan; sa kaliwa ay hinahanap ko siya, ngunit hindi ko siya namataan, bumaling ako sa kanan, ngunit hindi ko siya mamasdan. Ngunit nalalaman niya ang daang nilalakaran ko; kapag ako'y kanyang nasubok, ay lalabas akong parang ginto. Lubos na sumunod sa kanyang mga hakbang ang mga paa ko, ang kanyang landas ay aking iningatan, at hindi ako lumiko. Ako'y hindi humiwalay sa utos ng kanyang mga labi; pinagyaman ko ang mga salita ng kanyang bibig sa aking dibdib. Ngunit siya'y hindi nagbabago, at sinong makakahimok sa kanya? Kung ano ang kanyang ninanasa, iyon ang kanyang ginagawa. Sapagkat kanyang lulubusin ang itinakda niya para sa akin; at maraming gayong mga bagay ang nasa kanyang isipan. Kaya't sa kanyang harapan ako'y nanghihilakbot; kapag aking binubulay, sa kanya ako'y natatakot. Pinapanlupaypay ng Diyos ang aking puso, tinakot ako ng Makapangyarihan sa lahat; gayunma'y hindi ako inihiwalay sa kadiliman, at takpan ng makapal na kadiliman ang mukha ko! "Bakit hindi tinutupad ng Makapangyarihan sa lahat ang mga kapanahunan? At bakit hindi nakikita ng mga nakakakilala sa kanya ang kanyang mga araw? Inaalis ng mga tao ang mga palatandaang bato, hinuhuli nila ang mga kawan, at ipinapastol ang mga ito. Kanilang itinataboy ang asno ng ulila, kinukuha nila ang baka ng babaing balo bilang sangla. Kanilang itinataboy sa lansangan ang dukha; nagkukubling magkakasama ang mga maralita sa lupa. Gaya ng mababangis na asno sa ilang sila'y humahayo patungo sa kanilang gawain, na naghahanap sa ilang ng mabibiktima bilang pagkain para sa mga anak nila. Sila'y nagsisiani sa bukid na hindi kanila; at sila'y namumulot sa ubasan ng masama. Sila'y hubad na nakahiga buong magdamag na walang kasuotan, at sila'y walang saplot laban sa ginaw. Sila'y basa ng ulan sa mga kabundukan, at yumayakap sa bato sa paghahanap ng makakanlungan. (May mga umaagaw ng ulila mula pa sa suso ng ina, at kinukuhang sangla ang sanggol ng dukha.) Sila'y humahayong hubad, walang damit, bagaman gutom, dinadala nila ang mga bigkis; mula sa mga hanay ng olibo, sila'y gumagawa ng langis, sila'y nagpipisa sa pisaan ng ubas, subalit sa uhaw sila'y nagtitiis. Mula sa lunsod ay dumadaing ang naghihingalo, at ang kaluluwa ng sugatan ay humihingi ng saklolo, gayunma'y hindi pinapansin ng Diyos ang kanilang pagsamo. "May mga naghihimagsik laban sa liwanag; na hindi nakakaalam ng mga daan niyon, at hindi nananatili sa mga landas niyon. Ang mamamatay tao ay bumabangon sa bukang-liwayway upang mapatay niya ang dukha at nangangailangan; at sa gabi naman ay gaya siya ng magnanakaw. Ang mata ng mangangalunya ay naghihintay rin ng takipsilim, na nagsasabing, Walang matang makakakita sa akin;' at siya'y nagbabalatkayo ng kanyang mukha. Sa dilim ay naghuhukay sila sa mga bahay; sila'y nagkukulong sa sarili kapag araw; ang liwanag ay hindi nila nalalaman. Sapagkat ang pusikit na kadiliman ay umaga para sa kanilang lahat, sapagkat sila'y kaibigan ng pusikit na kadilimang nakakasindak. "Inyong sinasabi, 'Sa ibabaw ng tubig sila'y matuling dinadala, ang kanilang bahagi ay sinumpa sa lupa; walang mamimisa na babalik sa mga ubasan nila. Inaagaw ng tagtuyot at init ang tubig ng niyebe, gayundin ang ginagawa ng Sheol sa mga nagkasala. Kalilimutan sila ng sinapupanan, para sa bulati'y matamis silang matatagpuan, hindi na maaalala ang kanilang pangalan, kaya't babaliing parang punungkahoy ang kasamaan.' "Ginagawan ng masama ang hindi nanganganak na babae, at ang babaing balo ay hindi ginagawan ng mabuti. Ngunit pinahahaba ng Diyos ang buhay ng malakas sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan; sila'y bumabangon ngunit walang katiyakan sa buhay. Pinagkakalooban niya sila ng katiwasayan, at sila'y inaalalayan; at ang kanyang mga mata ay nasa kanilang mga daanan. Sila'y itinaas nang ilang sandali, at pagkatapos ay wala na. At sila'y nalalanta at kumukupas na gaya ng lahat ng mga iba, sila'y pinuputol na gaya ng mga uhay. Kung hindi gayon, sinong magpapatunay na ako'y bulaan, at magpapakita na ang sinasabi ko'y walang kabuluhan?" Nang magkagayo'y ang Suhitang si Bildad ay sumagot, at sinabi, "Sa Diyos ang pamamahala at pagkatakot, gumagawa siya ng kapayapaan sa kanyang langit na matayog. Ang kanya bang mga hukbo ay may bilang? Ang kanyang liwanag ay kanino hindi sumisilang? Paano ngang magiging ganap ang tao sa harapan ng Diyos? O paanong magiging malinis ang ipinanganak ng isang babae? Tingnan mo, maging ang buwan ay hindi maningning, at hindi dalisay ang mga bituin sa kanyang paningin; gaano pa nga kaliit ang tao, na isang uod! At ang anak ng tao, na isang bulati!" At sumagot si Job, at sinabi, "Napakalaki ng tulong mo sa kanya na walang kapangyarihan! Iniligtas mo ang kamay na walang kalakasan! Napakabuti ng payo mo sa kanya na walang karunungan, at saganang ipinahayag mo ang mabuting kaalaman! Sa kaninong tulong na ang mga salita'y iyong binigkas? At kaninong espiritu ang sa iyo'y lumabas? Ang mga lilim ay nangangatal, at ang nasa ilalim ng tubig, pati ang mga doon ay naninirahan. Hubad sa harapan ng Diyos ang Sheol, walang saplot ang Abadon. Iniuunat niya ang hilaga sa ibabaw ng walang laman, at ibinibitin ang daigdig sa kawalan. Ibinabalot niya ang tubig sa kanyang makapal na ulap, at ang ulap ay hindi nito napupunit. Kanyang tinatakpan ang mukha ng kabilugan ng buwan, at inilaladlad ang kanyang mga ulap sa ibabaw niyon. Siya'y gumuhit ng bilog sa ibabaw ng katubigan, sa hangganan ng liwanag at kadiliman. Ang mga haligi ng langit ay nayayanig, at natitigilan sa kanyang saway. Pinatahimik niya ang dagat sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, at sa kanyang kaunawaan ay kanyang ibinuwal ang Rahab. Sa pamamagitan ng kanyang espiritu gumanda ang kalangitan; ang tumatakas na ahas ay sinaksak ng kanyang kamay. Narito, ang mga ito ay mga gilid lamang ng kanyang mga daan; at napakahinang bulong lamang ang sa kanya'y ating napapakinggan! Ngunit sinong makakaunawa sa kulog ng kanyang kapangyarihan?" At muling itinuloy ni Job ang kanyang pagsasalita, at nagsabi: "Habang buhay ang Diyos, na siyang nag-alis ng aking karapatan, at ang Makapangyarihan sa lahat, na siyang sa kaluluwa ko'y nagpapanglaw; habang nasa akin pa ang aking hininga, at ang espiritu ng Diyos ay nasa mga butas ng aking ilong; ang aking mga labi ay hindi magsasalita ng kabulaanan, at ang aking dila ay di magsasabi ng kadayaan. Malayo nawa sa akin na sabihing kayo'y tama; hanggang sa ako'y mamatay, hindi ko aalisin sa akin ang aking katapatan. Ang pagiging matuwid ko ay aking pinanghahawakan at hindi ko bibitiwan, hindi ako sinisisi ng aking puso sa alinman sa aking mga araw. "Maging gaya nawa ng masama ang aking kaaway, at ang nag-aalsa laban sa akin ay maging gaya nawa ng makasalanan. Sapagkat ano ang pag-asa ng masasama, kapag siya'y itiniwalag ng Diyos, kapag kinuha ng Diyos ang kanyang buhay? Diringgin ba ng Diyos ang kanyang pagdaing, kapag ang kabagabagan sa kanya ay dumating? Sa Makapangyarihan sa lahat siya kaya'y masisiyahan? Tatawag kaya siya sa Diyos sa lahat ng kapanahunan? Ang tungkol sa kamay ng Diyos sa inyo'y aking ituturo; kung anong nasa Makapangyarihan sa lahat ay hindi ko itatago. Ito'y mismong nasaksihan ninyong lahat, bakit nga kayo ay lubos na nawalan ng kabuluhan? "Ito ang bahagi ng masamang tao sa Diyos, at ang manang tinatanggap ng mga nang-aapi mula sa Makapangyarihan sa lahat. Kung dumami ang kanyang mga anak, iyon ay para sa tabak, at ang kanyang supling ay hindi magkakaroon ng sapat na pagkain. Ang kanyang mga naiwan ay ililibing ng salot, at ang kanyang mga balo ay hindi nananaghoy. Bagaman siya'y magbunton ng pilak na parang alabok, at magparami ng damit na parang luwad; mapaparami niya iyon, ngunit ang matuwid ang magsusuot niyon, at paghahatian ng walang sala ang pilak na natipon. Gaya ng sapot ng gagamba ang itinatayo niyang bahay, gaya ng isang kubol na ginagawa ng isang bantay. Siya'y nahihigang mayaman, ngunit hindi na niya iyon magagawa, imumulat niya ang kanyang mga mata, ngunit ang kanyang kayamanan ay nawala. Inaabutan siya ng pagkasindak na gaya ng baha, sa gabi'y ipu-ipo ang tumatangay sa kanya. Tinatangay siya ng hanging silangan, at siya'y nawawala, pinapalis siya sa kinaroroonan niya. Ito'y humahampas sa kanya nang walang kaawaan; at pinagsikapan niyang tumakas mula sa kanyang kapangyarihan. Ipinapalakpak nito ang kanyang mga kamay sa kanya, at sinisigawan siya mula sa kinaroroonan nito. "Tunay na para sa pilak ay may minahan, at sa ginto ay may dakong dalisayan. Ang bakal ay kinukuha sa lupa, at sa tinunaw na mahalagang bato, ang tanso ay nagmumula. Ang tao'y naglalagay ng wakas sa kadiliman, at hinahanap hanggang sa pinakamalayong hangganan ang mga bato sa kalungkutan at pusikit na kadiliman. Sila'y nagbubukas ng lagusan sa libis na malayo sa tinatahanan ng mga tao; sila'y nalimutan ng mga manlalakbay, sila'y nakabitin na malayo sa mga tao, sila'y umuugoy na paroo't parito. Tungkol sa lupa, ang tinapay ay dito nanggagaling, ngunit waring tinutuklap ng apoy sa ilalim. Ang mga bato nito'y kinaroroonan ng mga zafiro, at ito ay may alabok na ginto. "Yaong landas na walang ibong mandaragit na nakakaalam, at hindi pa nakita maging ng mata ng falkon man. Ang mga palalong hayop dito'y di pa nakakatuntong ni nadaanan man ng mabangis na leon. "Inilalagay ng tao ang kanyang kamay sa batong kiskisan, at binabaligtad sa mga ugat ang mga kabundukan. Sa gitna ng mga bato'y gumagawa siya ng daluyan, at nakikita ng kanyang mata ang bawat mahalagang bagay. Kanyang tinatahan ang mga batis upang huwag lumagaslas, at ang bagay na nakakubli, sa liwanag ay kanyang inilalabas. "Ngunit saan matatagpuan ang karunungan? At saan ang kinaroroonan ng kaunawaan? Hindi nalalaman ng tao ang daan patungo roon, at hindi nasusumpungan sa lupain ng mga buhay. Sinasabi ng kalaliman, 'Wala sa akin,' at sinasabi ng dagat, 'Hindi ko kapiling.' Hindi ito mabibili ng ginto, ni matitimbangan man ng pilak bilang halaga nito. Hindi mahahalagahan ng ginto ng Ofir, ng mahalagang onix, o ng zafiro. Ginto at salamin dito ay hindi maipapantay, ni maipagpapalit man sa mga hiyas na gintong dalisay. Hindi babanggitin ang tungkol sa coral o sa cristal; higit kaysa mga perlas ang halaga ng karunungan. Ang topacio ng Etiopia doon ay hindi maipapantay, ni mahahalagahan man sa gintong lantay. "Saan nanggagaling kung gayon, ang karunungan? At saan ang kinaroroonan ng kaunawaan? Nakakubli ito sa mga mata ng lahat ng nabubuhay, at natatago sa mga ibon sa kalangitan. Ang Abadon at Kamatayan ay nagsasabi, 'Narinig ng aming mga tainga ang bulung-bulungan tungkol doon!' "Nauunawaan ng Diyos ang daan patungo roon, at nalalaman niya ang kinaroroonan niyon. Sapagkat tumitingin siya hanggang sa mga dulo ng daigdig, at nakikita niya ang lahat ng bagay sa silong ng langit. Nang ibinigay niya sa hangin ang kanyang bigat, at ipinamahagi ang tubig ayon sa sukat, nang siya'y gumawa ng utos para sa ulan, at para sa kidlat ng kulog ay ang kanyang daan; nang magkagayo'y nakita niya ito, at inihayag; ito'y kanyang itinatag, at siniyasat. At sa tao ay sinabi niya, 'Narito, ang takot sa PANGINOON ay siyang karunungan; at ang paghiwalay sa kasamaan ay kaunawaan.'" At muling ipinagpatuloy ni Job ang kanyang pagsasalita, at nagsabi: "O, ako sana'y tulad nang nakaraang mga buwan, gaya noong mga araw na ang Diyos ang sa akin ay nagbabantay, nang sa ibabaw ng aking ulo ay sumisikat ang kanyang ilawan, at sa pamamagitan ng kanyang ilaw ay lumalakad ako sa kadiliman; gaya noong ako'y namumukadkad pa, noong ang pakikipagkaibigan ng Diyos ay nasa aking tolda; nang kasama ko pa ang Makapangyarihan sa lahat, nang nasa palibot ko ang aking mga anak; noong ang aking mga hakbang ay naliligo sa gatas, at ang bato ay nagbubuhos para sa akin ng langis na tumatagas! Noong ako'y lumabas sa pintuan ng bayan, noong ihanda ko ang aking upuan sa liwasan, nakita ako ng mga kabataang lalaki, at sila'y umalis, at ang matatanda ay tumayo; ang mga pinuno ay nagtimpi sa pagsasalita, at inilagay ang kanilang kamay sa bibig nila. Ang tinig ng mga maharlika ay pinatahimik, nang sa ngalangala ng kanilang bibig, ang dila nila ay dumikit. Nang marinig ng tainga, tinawag nito akong mapalad, at nang makita ito ng mata, iyon ay pumayag. Sapagkat aking iniligtas ang dumaraing na dukha, maging sa mga ulila na walang tumutulong. Ang basbas ng malapit nang mamamatay sa akin ay dumating, at ang puso ng babaing balo ay pinaawit ko sa kagalakan. Ako'y nagbihis ng katuwiran, at ako'y dinamitan; parang isang balabal at isang turbante ang aking katarungan. Sa bulag ako'y naging mga mata, at sa pilay ako'y naging mga paa. Sa dukha ako'y naging isang ama, at siniyasat ko ang usapin niyaong hindi ko nakikilala. Aking binali ang mga pangil ng masama, at ipinalaglag ko ang kanyang biktdma sa mga ngipin niya. Nang magkagayo'y sinabi ko, 'Sa aking pugad ako mamamatay, at gaya ng buhangin aking pararamihin ang aking mga araw. Kumalat hanggang sa tubig ang aking mga ugat, at may hamog sa aking sanga sa buong magdamag, sariwa sa akin ang aking kaluwalhatian, at ang aking busog ay laging bago sa aking kamay!' "Sa akin ay nakikinig at naghihintay ang mga tao, at tumatahimik para sa aking payo. Pagkatapos ng aking pagsasalita, ay hindi na sila muling nagsalita, at ang aking salita ay bumagsak sa kanila. At kanilang hinihintay ako, na gaya ng paghihintay sa ulan, at kanilang ibinuka ang kanilang bibig na gaya sa huling ulan. Kapag sila'y hindi nagtitiwala, ako sa kanila'y ngumingiti, at ang liwanag ng aking mukha ay hindi nila pinababa. Pinili ko ang kanilang daan, at umupo bilang puno, at namuhay gaya ng hari sa gitna ng kanyang hukbo, gaya ng isang umaaliw sa mga nagdadalamhati. “Ngunit ngayo'y pinagtatawanan nila ako, mga kalalakihang mas bata kaysa akin, na ang mga magulang ay di ko ilalagay na kasama ng mga aso ng kawan ko. Ano ang mapapakinabang ko sa lakas ng kanilang mga kamay? Lumipas na ang kanilang lakas. Dahil sa matinding gutom at kasalatan, nginunguya nila pati ang tuyo at lupang tigang. Kanilang pinupulot ang halaman sa dawagan sa tabi ng mabababang puno, at pinaiinit ang sarili sa pamamagitan ng ugat ng enebro. Sila'y itinataboy papalabas sa lipunan, sinisigawan sila ng taong-bayan na gaya ng isang magnanakaw. Kailangan nilang manirahan sa mga nakakatakot na daluyan, sa mga lungga ng lupa at ng mga batuhan. Sa gitna ng mabababang puno ay nagsisiangal, sa ilalim ng mga tinikan ay nagsisiksikan. Isang lahing walang bait at kapurihan, mula sa lupain sila'y ipinagtabuyan. "At ngayon ako ay naging awit nila, Oo, ako'y kawikaan sa kanila. Ako'y kanilang kinasusuklaman, ako'y kanilang nilalayuan, hindi sila nag-aatubiling lumura kapag ako'y namamataan. Sapagkat kinalag ng Diyos ang aking panali, at ginawa akong mababang-loob, inalis na nila ang pagpipigil sa harapan ko. Sa aking kanan ay tumatayo ang gulo, itinutulak nila ako, at sila'y gumagawa ng mga daan para sa ikapapahamak ko. Kanilang sinisira ang aking daraanan, ang aking kapahamakan ay kanilang isinusulong, at wala namang sa kanila'y tumutulong. Tila pumapasok sila sa isang maluwang na pasukan; at gumugulong sila sa gitna ng kasiraan. Ang mga pagkasindak sa akin ay dumadagan, hinahabol na gaya ng hangin ang aking karangalan, at lumipas na parang ulap ang aking kasaganaan. "At ngayo'y nanlulupaypay ang kaluluwa ko sa aking kalooban, pinapanghina ako ng mga araw ng kapighatian. Pinahihirapan ng gabi ang aking mga buto, at ang kirot na ngumangatngat sa akin ay hindi humihinto. May dahas nitong inaagaw ang aking kasuotan, sa kuwelyo ng aking damit ako'y kanyang sinunggaban. Inihagis ako ng Diyos sa lusak, at ako'y naging parang alabok at abo. Ako'y dumadaing sa iyo, at hindi mo ako sinasagot; ako'y tumatayo, at hindi mo ako pinapakinggan. Sa akin ikaw ay naging malupit, sa kapangyarihan ng kamay mo, ako'y iyong inuusig. Itinataas mo ako sa hangin, doon ako'y pinasasakay mo, sinisiklot mo ako sa dagundong ng bagyo. Oo, alam ko na dadalhin mo ako sa kamatayan, at sa bahay na itinalaga para sa lahat ng nabubuhay. "Gayunma'y di dapat tumalikod laban sa nangangaillangan, kapag sila'y humihingi ng tulong dahil sa kapahamakan. Hindi ko ba iniyakan yaong nasa kabagabagan? Hindi ba ang aking kaluluwa ay tumangis para sa mga dukha? Ngunit nang ako'y humanap ng mabuti, ang dumating ay kasamaan; nang ako'y naghintay ng liwanag, ang dumating ay kadiliman. Ang aking puso'y nababagabag at hindi natatahimik, ang mga araw ng kapighatian ay dumating upang ako'y salubungin. Ako'y humahayong nangingitim, ngunit hindi sa araw; ako'y tumatayo sa kapulungan at humihingi ng pagdamay. Ako'y kapatid ng mga asong-gubat, at kasama ng mga avestruz. Ang aking balat ay nangingitim at natutuklap, at ang aking mga buto sa init ay nagliliyab. Kaya't ang aking lira ay naging panangis, at ang aking plauta ay naging tinig ng umiiyak. "Ako'y nakipagtipan sa aking mga paningin; paano nga akong titingin sa isang birhen? Ano ang bahagi ko mula sa Diyos sa itaas, at ang aking mana mula sa Makapangyarihan sa lahat sa kaitaasan? Hindi ba dumarating ang kapahamakan sa taong masasama, at ang kapahamakan sa mga masasama ang gawa? Hindi ba niya nakikita ang aking mga lakad, at binibilang ang lahat ng aking mga hakbang? "Kung ako'y lumakad ng may kabulaanan, at ang aking paa ay nagmadali sa panlilinlang; timbangin ako sa matuwid na timbangan, at hayaang malaman ng Diyos ang aking katapatan! Kung ang aking hakbang ay lumiko sa daan, at ang aking puso ay lumakad ayon sa aking mga mata, at kung ang anumang dungis ay kumapit sa aking mga kamay: kung gayo'y papaghasikin mo ako, at bayaang iba ang kumain, at hayaang mabunot ang tumutubo para sa akin. "Kung natukso sa babae ang puso ko, at ako'y nag-abang sa pintuan ng aking kapwa tao; kung magkagayo'y hayaang iba ang ipaggiling ng aking asawa, at hayaang iba ang yumuko sa ibabaw niya. Sapagkat isang napakabigat na pagkakasala iyon, isang kasamaan na parurusahan ng mga hukom; sapagkat iyo'y isang apoy na tumutupok hanggang sa Abadon, at susunugin nito hanggang sa ugat ang lahat ng aking bunga. "Kung tinanggihan ko ang kapakanan ng aking aliping lalaki o babae, nang sila'y dumaing laban sa akin, ano nga ang aking gagawin kapag ang Diyos ay bumangon? Kapag siya'y nagtatanong, anong sa kanya'y aking itutugon? Hindi ba siya na lumalang sa akin sa bahay-bata ang sa kanya'y lumalang? At hindi ba iisa ang humugis sa atin sa sinapupunan? "Kung pinagkaitan ko ng anumang kanilang nasa ang dukha, ang mga mata ng babaing balo ay aking pinapanghina, o ang aking pagkain ay kinain kong mag-isa, at hindi nakakain niyon ang ulila— dahil, mula sa kanyang pagkabata ay pinalaki ko siya, na gaya ng isang ama, at aking pinatnubayan siya mula sa bahay-bata ng kanyang ina; kung ako'y nakakita ng namatay dahil sa kakulangan ng suot, o ng taong dukha na walang saplot; kung hindi ako binasbasan ng kanyang mga balakang, at kung sa balahibo ng aking mga tupa ay hindi siya nainitan; kung laban sa ulila'y binuhat ko ang aking kamay, sapagkat nakakita ako ng tulong sa akin sa pintuan, kung gayo'y malaglag nawa ang buto ng aking balikat mula sa balikat ko, at ang aking bisig ay mabali sa pinaglalagyan nito. Sapagkat ang pagkasalanta mula sa Diyos ay aking kinatakutan, at hindi ko sana naharap ang kanyang kamahalan. "Kung ako'y sa ginto nagtiwala, o tinawag ang dalisay na ginto na aking pag-asa, kung ako'y nagalak sapagkat ang aking kayamanan ay malaki, o sapagkat ang aking kamay ay nagtamo ng marami; kung ako'y tumingin sa araw kapag sumisilang, o sa buwan na gumagalaw na may karilagan, at lihim na naakit ang aking puso, at hinagkan ng aking bibig ang kamay ko, ito man ay kasamaang dapat parusahan ng mga hukom, sapagkat ako sana'y naging sinungaling sa Diyos na nasa itaas. "Kung ako'y nagalak sa pagkawasak niyong sa akin ay nasuklam, o natuwa nang datnan siya ng kasamaan — hindi ko hinayaang ang bibig ko'y magkasala, sa paghingi na may sumpa ng buhay niya — kung ang mga tao sa aking tolda ay hindi nagsabi, 'Sino bang hindi nabusog sa kanyang pagkain?' ang dayuhan ay hindi tumigil sa lansangan; binuksan ko ang aking mga pinto sa manlalakbay — kung aking ikinubli sa mga tao ang aking mga paglabag, sa pagkukubli ng aking kasamaan sa aking sinapupunan; sapagkat aking kinatakutan ang napakaraming tao, at pinangilabot ako ng paghamak ng mga angkan, na anupa't ako'y tumahimik, at hindi lumabas sa pintuan — o sana'y may duminig sa akin! (Narito ang aking pirma! Sagutin ako ng Makapangyarihan sa lahat!) At sana'y nasa akin ang sakdal na isinulat ng aking kaaway! Tiyak na papasanin ko ito sa aking balikat; itatali ko sa akin na gaya ng isang korona; aking ipahahayag sa kanya ang lahat kong mga hakbang, gaya ng isang pinuno ay lalapitan ko siya. "Kung ang aking lupain ay sumigaw laban sa akin, at ang mga bungkal niyon ay umiyak na magkakasama; kung kumain ako ng bunga niyaon na hindi nagbabayad, at naging dahilan ng pagkamatay ng mga may-ari niyon; tubuan nawa ng dawag sa halip ng trigo, at ng masasamang damo sa halip ng sebada." Ang mga salita ni Job ay natapos. JKaya't ang tatlong lalaking ito ay huminto na sa pagsagot kay Job, sapagkat siya'y matuwid sa kanyang sariling paningin. Nang magkagayo'y nagalit si Elihu, na anak ni Barakel na Buzita, mula sa angkan ni Ram. Nagalit siya kay Job sapagkat binigyang katuwiran niya ang sarili sa halip na ang Diyos. Galit din siya sa tatlong kaibigan ni Job, sapagkat sila'y hindi nakatagpo ng sagot, bagaman ipinahayag nilang mali si Job. Si Elihu nga ay naghintay upang magsalita kay Job, sapagkat sila'y matanda kaysa kanya. At nagalit si Elihu nang makita niya na walang kasagutan sa bibig ng tatlong lalaking ito. Si Elihu na anak ni Barakel na Buzita ay sumagot at nagsabi: "Ako'y bata pa, at matatanda na kayo, kaya't ako'y nahihiya at natakot na ipahayag sa inyo ang aking kuru-kuro. Aking sinabi, 'Hayaang magsalita ang mga araw, at ang maraming mga taon ay magturo ng karunungan.' Ngunit ang espiritu na nasa tao, ang hininga ng Makapangyarihan sa lahat ang nagbibigay sa kanya ng unawa. Hindi ang dakila ang siyang matalino, ni ang matanda man ang siyang nakakaunawa ng wasto. Kaya't aking sinasabi, 'Pakinggan ninyo ako; hayaan ninyong ipahayag ko rin ang aking kuru-kuro.' "Narito, aking hinintay ang inyong mga salita, pinakinggan ko ang inyong matatalinong pananalita, samantalang kayo'y naghahagilap ng masasabi. Ang aking pansin sa inyo'y aking ibinigay, at narito, kay Job ay walang nakapagpabulaan, o sa inyo'y may nakasagot sa kanyang mga tinuran. Mag-ingat nga kayo, baka sabihin ninyo 'Kami ay nakatagpo ng karunungan; madadaig siya ng Diyos, hindi ng tao.' Hindi niya itinukoy sa akin ang kanyang mga salita, at hindi ko siya sasagutin ng inyong mga pananalita. "Sila'y nalito, sila'y hindi na sumagot pa; sila'y walang masabi pang salita. At ako ba'y maghihintay, sapagkat sila'y hindi nagsasalita, sapagkat sila'y nakatigil doon, at hindi na sumasagot? Ibibigay ko rin naman ang sagot ko, ipahahayag ko rin ang aking kuru-kuro. Sapagkat sa mga salita ako'y punong-puno, ako'y pinipilit ng espiritung nasa loob ko. Narito, ang aking puso ay parang alak na walang pasingawan, parang mga bagong sisidlang-balat na malapit nang sumambulat. Ako'y dapat magsalita, upang ako'y maginhawahan; dapat kong buksan ang aking mga labi at magbigay kasagutan. Sa kaninumang tao'y wala akong kakampihan, o gagamit ng papuring pakunwari sa kaninuman. Sapagkat hindi ako marunong sumambit ng mga pakunwaring salita; kung hindi ay madali akong wawakasan ng sa akin ay Lumikha. "Gayunman, Job, pagsasalita ko'y iyong dinggin, at makinig ka sa lahat ng aking mga sasabihin. Narito, ang bibig ko'y aking ibinubuka, ang dila sa aking bibig ay nagsasalita. Ipinahahayag ng aking mga salita ang katuwiran ng aking puso; at ang nalalaman ng aking mga labi, ang mga ito'y nagsasalitang may pagtatapat. Ang espiritu ng Diyos ang sa aki'y maylalang, at ang hininga ng Makapangyarihan sa lahat ay nagbibigay sa akin ng buhay. Sagutin mo ako, kung iyong makakaya; ayusin mo ang iyong mga salita sa harapan ko; manindigan ka. Tingnan mo, sa harapan ng Diyos ako'y kagaya mo, ako ma'y nilalang mula sa luwad na kapiraso. Hindi mo kailangang katakutan ako, ang aking pamimilit ay hindi magiging mabigat sa iyo. "Tunay na ikaw ay nagsalita sa aking pandinig, at ang tunog ng iyong mga salita ay aking narinig. Iyong sinasabi, 'Ako'y malinis at walang pagsuway; ako'y dalisay, at sa akin ay walang kasamaan. Tingnan mo, naghahanap siya laban sa akin ng kadahilanan, ibinibilang niya ako na kanyang kaaway; ang aking mga paa'y kanyang tinatanikalaan, lahat ng aking mga landas ay kanyang binabantayan.' "Ngunit sa bagay na ito'y hindi ka wasto. Sasagutin kita. Ang Diyos ay dakila kaysa tao. Bakit ka nakikipagtalo laban sa kanya, na sinasabi, 'Hindi niya sasagutin ang alinman sa aking mga salita? Sapagkat ang Diyos ay nagsasalita sa isang paraan, at sa dalawa, bagaman sa tao'y hindi ito nauunawaan. Sa isang panaginip, sa isang pangitain sa gabi, kapag ang mahimbing na pagkakaidlip ay dumating sa mga tao, habang sila'y natutulog sa kanilang mga higaan, kung magkagayo'y ang mga tainga ng mga tao'y binubuksan niya, at sa mga babala'y tinatakot sila, upang sa kanyang gawa siya'y maibaling, at ang kapalaluan sa tao ay putulin; pinipigil niya ang kanyang kaluluwa mula sa hukay, at ang kanyang buhay sa pagkamatay sa tabak. "Pinarurusahan din ng sakit sa kanyang higaan ang tao, at ng patuloy na paglalaban sa kanyang mga buto; anupa't kinaiinisan ng kanyang buhay ang tinapay, at ng kanyang kaluluwa ang pagkaing malinamnam. Ang kanyang laman ay natutunaw na anupa't hindi makita; at ang kanyang mga buto na hindi dating nakikita ay nakalitaw na. Ang kanyang kaluluwa ay papalapit sa hukay, at ang kanyang buhay sa mga nagdadala ng kamatayan. Kung mayroong isang anghel para sa kanya, isang tagapamagitan, sa isang libo ay isa, upang ipahayag sa tao kung ano ang matuwid sa kanya; at siya'y mapagpala sa taong iyon, at nagsasabi, 'Sa pagbaba sa hukay ay iligtas mo siya, pantubos ay natagpuan ko na; hayaang maging sariwa sa kabataan ang kanyang laman; siya'y pabalikin sa mga araw ng kanyang lakas ng kabataan. At ang tao'y nananalangin sa Diyos, at siya'y kanyang tinatanggap, siya'y lumalapit sa kanyang harapan na mayroong galak, at gagantihin ng Diyos dahil sa kanyang katuwiran, siya'y umaawit sa harapan ng mga tao, at nagsasaysay, 'Ako'y nagkasala, at binaluktot ang matuwid, at iyo'y hindi iginanti sa akin. Kanyang tinubos ang kaluluwa ko mula sa pagbaba sa hukay, at makakakita ng liwanag ang aking buhay.' "Narito, gawa ng Diyos ang lahat ng mga bagay na ito, makalawa, maka-ikatlo sa isang tao, upang ibalik ang kanyang kaluluwa mula sa hukay, upang kanyang makita ang liwanag ng buhay. Makinig kang mabuti, O Job, ako'y iyong dinggin; tumahimik ka, at ako'y may sasabihin. Kung ikaw ay mayroong sasabihin, bigyan mo ako ng kasagutan, ikaw ay magsalita, sapagkat ibig kong ikaw ay bigyang-katuwiran. Kung hindi, ako'y iyong pakinggan, tumahimik ka, at tuturuan kita ng karunungan." At sumagot si Elihu, at sinabi, "Pakinggan ninyo ang aking mga salita, kayong mga matatalino; kayong mga nakakaalam, pakinggan ninyo ako; sapagkat ang tainga ang sumusubok sa mga salita, gaya ng ngalangala na sa pagkain ay lumalasa. Piliin natin kung ano ang matuwid; ating alamin sa ating mga sarili kung ano ang mabuti. Sapagkat sinabi ni Job, 'Ako'y walang kasalanan, at inalis ng Diyos ang aking karapatan; itinuring akong sinungaling sa kabila ng aking katuwiran, at ang sugat ko'y walang lunas bagaman ako'y walang pagsuway.' Sinong tao ang katulad ni Job, na ang panunuya ay tila tubig na iniinom, na nakikisama sa mga gumagawa ng masama, at lumalakad na kasama ng taong masasama? Sapagkat kanyang sinabi, 'Ang tao'y walang mapapakinabang, kung ang Diyos ay kanyang kalugdan.' "Kaya't dinggin ninyo ako, kayong mga lalaking may unawa, malayo nawa sa Diyos na siya'y gumawa ng masama, at sa Makapangyarihan sa lahat, na ang kamalian ay kanyang magawa. Sapagkat sisingilin niya ang tao ayon sa kanyang gawa, at kanyang igagawad sa bawat tao ang ayon sa mga lakad niya. Sa katotohanan, ang Diyos ay hindi gagawa ng kasamaan, at hindi babaluktutin ng Makapangyarihan sa lahat ang katarungan. Sinong nagbigay sa kanya ng pamamahala sa lupa? O sinong naglagay ng buong sanlibutan sa kanya? Kung ibabalik niya ang kanyang diwa sa sarili niya, at titipunin sa kanyang sarili ang kanyang hininga; lahat ng laman ay magkakasamang mamamatay, at babalik sa alabok ang sangkatauhan. "Kung mayroon kang pangunawa ay dinggin mo ito; ang aking sinasabi ay pakinggan mo. Mamamahala ba ang namumuhi sa katarungan? Parurusahan mo ba ang ganap at makapangyarihan, na nagsasabi sa isang hari: 'Walang kuwentang tao,' at sa mga maharlika: 'Masamang tao;' na hindi nagpapakita ng pagtatangi sa mga pinuno, ni pinapahalagahan man nang higit kaysa mahirap ang mayaman, sapagkat silang lahat ay gawa ng kanyang mga kamay? Sa isang sandali sila'y namamatay; sa hatinggabi ang taong-bayan ay inuuga at pumapanaw, at ang makapangyarihan ay inaalis, ngunit hindi ng kamay ng tao. "Sapagkat ang kanyang mga mata ay nasa lakad ng tao, at nakikita niya ang lahat ng mga hakbang nito. Walang dilim ni malalim na kadiliman, na mapagtataguan ng mga gumagawa ng kasamaan. Sapagkat hindi pa siya nagtalaga para sa tao ng panahon, upang siya'y humarap sa Diyos sa paghuhukom. Kanyang dinudurog ang malakas kahit walang pagsisiyasat, at naglalagay ng iba na kanilang kahalili. Kaya't palibhasa'y alam niya ang kanilang mga gawa, kanyang dinadaig sila sa gabi, at sila'y napupuksa. Kanyang hinahampas sila dahil sa kanilang kasamaan sa paningin ng mga tao, sapagkat sila'y lumihis sa pagsunod sa kanya, at hindi pihahalagahan ang anuman sa mga lakad niya, anupa't pinarating nila ang daing ng dukha sa kanya, at ang daing ng napipighati ay narinig niya — sino ngang makakahatol kapag tahimik siya? Kapag ikinukubli niya ang kanyang mukha, sinong makakatingin sa kanya? Maging ito'y isang tao o isang bansa? — upang huwag maghari ang taong walang diyos, upang ang bayan ay hindi niya malinlang. "Sapagkat sa Diyos ay may nakapagsabi na ba, 'Ako'y nagpasan na ng parusa; hindi na ako magkakasala pa; ituro mo sa akin yaong hindi ko nakikita, kung ako'y nakagawa ng kasamaan, hindi ko na ito gagawin pa?' Gagantihin ka ba niya nang nababagay sa iyo, sapagkat ito ay iyong tinanggihan? Sapagkat ikaw ang marapat pumili at hindi ako; kaya't ipahayag mo kung ano ang iyong nalalaman. Sasabihin sa akin ng mga taong may kaunawaan, at ang mga pantas na nakikinig sa akin ay magsasaysay: 'Si Job ay nagsasalita nang walang kaalaman, ang kanyang mga salita ay walang karunungan.' Si Job nawa'y litisin hanggang sa katapusan, sapagkat siya'y sumasagot na gaya ng mga taong tampalasan. Sapagkat dinaragdagan niya ng paghihimagsik ang kanyang kasalanan, ipinapalakpak niya ang kanyang mga kamay sa ating kalagitnaan, at ang mga salita niya laban sa Diyos ay kanyang lalong dinaragdagan." At si Elihu ay sumagot at sinabi, "Iniisip mo bang ito'y makatuwiran? Sinasabi mo bang, 'Sa harapan ng Diyos ito'y aking karapatan,' na iyong tinatanong, 'Ano bang iyong kalamangan? Paanong mas mabuti ako kung ako'y nakagawa ng kasalanan?' Sasagutin kita at ang iyong mga kaibigang kasama mo. Tumingala ka sa langit at tingnan mo; at masdan mo ang mga ulap, na mas mataas kaysa iyo. Kung ikaw ay nagkasala, anong iyong nagawa laban sa kanya? At kung ang iyong mga pagsuway ay dumarami, anong iyong ginagawa sa kanya? Kung ikaw ay matuwid, anong sa kanya'y iyong ibinibigay; o ano bang tinatanggap niya mula sa iyong kamay? Ang iyong kasamaan ay nakakapinsala sa ibang gaya mo; at ang iyong katuwiran, ay sa ibang mga tao. "Dahil sa dami ng mga kaapihan, ang mga tao'y sumisigaw; sila'y humihingi ng saklolo dahil sa kamay ng makapangyarihan. Ngunit walang nagsasabing, 'Nasaan ang Diyos na sa akin ay lumalang, na siyang nagbibigay ng awit sa kinagabihan, na siyang nagtuturo sa atin ng higit kaysa mga hayop sa daigdig, at ginagawa tayong mas matatino kaysa mga ibon sa himpapawid?' Tumatawag sila roon, ngunit siya'y hindi sumasagot, dahil sa kapalaluan ng mga taong buktot. Tunay na hindi pinapakinggan ng Diyos ang walang kabuluhang karaingan, ni pinapahalagahan man ito ng Makapangyarihan sa lahat. Lalo pa nga kung iyong sinasabing hindi mo siya nakikita, na ang usapin ay nasa harap niya, at iyong hinihintay siya! At ngayon, sapagkat ang galit niya'y hindi nagpaparusa, at ang kasamaan ay hindi niya sinusunod, ibinubuka ni Job ang kanyang bibig sa walang kabuluhan, siya'y nagpaparami ng mga salita na walang kaalaman. Si Elihu ay nagpatuloy, at nagsabi, "Pagtiisan mo ako nang kaunti at sa iyo'y aking ipapakita, sapagkat alang-alang sa Diyos ako'y mayroong masasabi pa. Dadalhin ko mula sa malayo ang aking kaalaman, at bibigyan ko ng katuwiran ang sa akin ay Maylalang. Sapagkat tunay na hindi kasinungalingan ang mga salita ko; siyang sakdal sa kaalaman ay kasama mo. "Tunay na ang Diyos ay makapangyarihan at hindi humahamak sa kanino man; sa lakas ng unawa, siya'y makapangyarihan. Ang masama ay hindi niya pinananatiling buhay, ngunit sa napipighati ay ibinibigay niya ang kanilang karapatan. Hindi niya inaalis ang kanyang mga mata sa matuwid; kundi kasama ng mga hari sa trono, kanyang itinatatag sila magpakailanman, at sila'y pinararangalan. At kung sila'y matanikalaan, at masilo ng mga tali ng kapighatian; inilalahad nga niya sa kanila ang kanilang gawa at ang kanilang mga pagsuway, na sila'y nag-uugaling may kayabangan. Binubuksan niya ang kanilang pandinig sa aral, at iniuutos na sila'y bumalik mula sa kasamaan. Kung sila'y makinig at maglingkod sa kanya, gugugulin nila ang kanilang mga araw sa kasaganaan, at ang kanilang mga taon sa kasayahan. Ngunit kung hindi sila makinig, sila'y mamamatay sa tabak, at sila'y walang kaalamang mapapahamak. "Ang masasama ang puso, galit ay kinukuyom, kapag kanyang tinatalian sila, hindi sila humihingi ng tulong. Sila'y namamatay sa kabataan, at ang buhay nila'y natatapos sa piling ng mahalay na lalaki. Inililigtas niya ang mga dukha sa kanilang kahirapan, at binubuksan ang kanilang mga pandinig sa kasawian. Inakit ka rin niya mula sa kabalisahan, patungo sa maluwag na dako na walang pilitan; at ang nakahain sa iyong hapag ay puno ng katabaan. "Ngunit ikaw ay puspos ng paghatol sa masamang tao; kahatulan at katarungan ang humahawak sa iyo. Mag-ingat ka baka ikaw ay akitin ng poot upang mangutya, huwag hayaang sa kalakhan ng pantubos ikaw ay mawala. Mananaig ba ang iyong sigaw upang malayo ka sa kaguluhan, o ang lahat ng puwersa ng iyong kalakasan? Ang gabi ay huwag mong pakaasahan, kung kailan ang mga bayan ay inaalis sa kanilang kinalalagyan. Mag-ingat ka, huwag kang bumaling sa kasamaan; sapagkat ito ang iyong pinili sa halip na kahirapan. Tingnan mo, ang Diyos ay itinataas sa kapangyarihan niya; sinong tagapagturo ang gaya niya? Sinong nag-utos sa kanya ng kanyang daan? O sinong makapagsasabi, 'Ikaw ay gumawa ng kamalian?' "Alalahanin mong dakilain ang kanyang gawa, na inawit ng mga tao. Napagmasdan iyon ng lahat ng mga tao; natatanaw ito ng tao mula sa malayo. Narito, ang Diyos ay dakila, at hindi natin siya kilala, hindi masukat ang bilang ng mga taon niya. Sapagkat ang mga patak ng tubig ay kanyang pinapailanglang, kanyang dinadalisay ang kanyang ambon sa ulan, na ibinubuhbs ng kalangitan, at ipinapatak ng sagana sa sangkatauhan. May makakaunawa ba ng pagkalat ng mga ulap, ng mga pagkulog sa kanyang tolda? Narito, ang kanyang kidlat sa palibot niya'y kanyang ikinakalat, at tinatakpan niya ang mga ugat ng dagat Sapagkat sa pamamagitan ng mga ito'y hinahatulan niya ang mga bayan; saganang pagkain ay kanyang ibinibigay. Tinatakpan niya ng kidlat ang kanyang mga kamay; at inuutusan ito na ang tanda'y patamaan. Ang pagsiklab niyon tungkol sa kanya'y nagsasaysay, na naninibughong may galit laban sa kasamaan. "Dahil din dito'y nanginginig ang aking puso, at lumulundag sa kinalalagyan nito. Dinggin ninyo ang tunog ng kanyang tinig, at ang sigaw na lumalabas sa kanyang bibig. Kanyang ipinapadala mula sa silong ng buong langit, at ang kanyang kidlat sa mga sulok ng daigdig. Kasunod nito'y dumadagundong ang kanyang tinig, siya'y kumukulog sa pamamagitan ng kanyang marilag na tinig, hindi niya pinipigil ang pagkulog kapag naririnig ang kanyang tinig. Ang Diyos ay kumukulog na kagila-gilalas sa pamamagitan ng kanyang tinig; gumagawa siya ng mga dakilang bagay, na hindi natin mauunawaan. Sapagkat sinasabi niya sa niyebe, 'Sa lupa ikaw ay bumagsak,' at sa ambon at sa ulan, 'Kayo ay lumakas.' Ang kamay ng bawat tao ay tinatatakan niya, upang malaman ng lahat ng mga tao ang kanyang gawa. Kung gayo'y papasok ang mga hayop sa kanilang tirahan, at namamalagi sa kanilang mga kublihan. Mula sa silid nito ang ipu-ipo'y nanggagaling, at ang ginaw mula sa nangangalat na mga hangin. Sa pamamagitan ng hininga ng Diyos ay ibinibigay ang yelo; at ang malawak na tubig ay mabilis na mamumuo. Kanyang nilalagyan ng halumigmig ang makapal na ulap, pinangangalat ng mga ulap ang kanyang kidlat. Sila'y umiikot sa pamamagitan ng kanyang patnubay, upang ang lahat na iutos niya sa kanila ay kanilang magampanan, sa ibabaw ng natatahanang sanlibutan. Maging sa saway, o para sa kanyang lupa, o dahil sa pag-ibig iyon ay pinangyayari niya. "Dinggin mo ito, O Job; tumigil ka, at bulayin mo ang kahanga-hangang mga gawa ng Diyos. Alam mo ba kung paano sila inuutusan ng Diyos, at pinasisikat ang kidlat ng kanyang ulap? Alam mo ba ang mga pagtitimbang sa mga ulap, ang mga kahanga-hangang gawa niya na sa kaalaman ay ganap? Ikaw na mainit ang kasuotan kapag tahimik ang lupa dahil sa hangin mula sa timog? Mailalatag mo ba, na gaya niya, ang himpapawid, na sintigas ng isang hinulmang salamin? Ituro mo sa amin kung anong sa kanya'y aming sasabihin, dahil sa dilim ay hindi namin maayos ang aming usapin. Sasabihin ba sa kanya na nais kong magsalita? Ninasa ba ng isang tao na malunok siya? "At ngayo'y hindi makatingin ang mga tao sa liwanag, kapag maliwanag ang kalangitan, kapag ang hangin ay nakaraan, at ang mga iyon ay pinaram. Mula sa hilaga ay nagmumula ang ginintuang karilagan, ang Diyos ay nadaramtan ng kakilakilabot na kadakilaan. Ang Makapangyarihan sa lahat — hindi natin siya matatagpuan; siya'y dakila sa kapangyarihan at katarungan, at hindi niya susuwayin ang saganang katuwiran. Kaya't kinatatakutan siya ng mga tao; hindi niya pinapahalagahan ang sinumang pantas sa sarili nilang kayabangan." At mula sa ipu-ipo'y sumagot ang PANGINOON kay Job: "Sino ba itong nagpapadilim ng payo sa pamamagitan ng mga salitang walang kaalaman? Bigkisan mo tulad sa lalaki ang iyong baywang, tatanungin kita at ikaw sa akin ay magsasaysay. "Nasaan ka nang ilagay ko ang mga pundasyon ng lupa? Sabihin mo, kung mayroon kang pang-unawa. Sinong nagpasiya ng mga sukat niyon — tiyak na alam mo! O sinong nag-unat ng panukat sa ibabaw nito? Sa ano nakabaon ang kanyang mga pundasyon? O sinong naglagay ng batong panulok niyon; nang sama-samang umawit ang mga tala sa umaga, at ang lahat ng mga anak ng Diyos ay nagsigawan sa tuwa? "O sinong nagsara ng mga pinto sa karagatan, nang ito'y magpumiglas mula sa sinapupunan; nang gawin ko ang mga ulap na bihisan niyon, at ang malalim na kadiliman na pinakabalot niyon, at nagtakda para doon ng mga hangganan, at naglagay ng mga halang at mga pintuan, at aking sinabi, 'Hanggang doon ka makakarating, at hindi ka na lalayo, at dito’y titigil ang iyong mga along palalo?' "Nautusan mo na ba ang umaga buhat nang magsimula ang iyong mga araw, at naipaalam mo ba sa bukang-liwayway ang kanyang kalalagyan; upang mahawakan nito ang mga laylayan ng daigdig, at ang masasama mula roon ay maliglig? Parang luwad sa ilalim ng tatak ito'y nababago, at ito'y kinukulayan na gaya ng isang baro. Mula sa masama ay pinipigil ang kanilang ilaw, at nabalian ang kanilang nakataas na kamay. "Nakapasok ka na ba sa mga bukal ng karagatan? O nakalakad ka ba sa mga landas ng kalaliman? Ipinahayag na ba sa iyo ang mga pintuan ng kamatayan? O nakita mo na ba ang mga pinto ng malalim na kadiliman? Nabatid mo na ba ang kaluwangan ng daigdig? Ipahayag mo, kung lahat ng ito'y iyong batid. "Nasaan ang daan patungo sa tahanan ng tanglaw, at saan naroon ang dako ng kadiliman, upang ito'y iyong madala sa nasasakupan niyon, at upang malaman mo ang mga landas patungo sa bahay niyon? Nalalaman mo, sapagkat noon ikaw ay isinilang, at marami ang bilang ng iyong mga araw! "Nakapasok ka na ba sa mga tipunan ng niyebe, o nakita mo na ba ang mga imbakan ng yelo, na aking inilalaan sa panahon ng kaguluhan, para sa araw ng labanan at ng digmaan? Ano ang daan patungo sa dakong ipinamamahagi ang ilaw? O ang lugar na ikinakalat sa ibabaw ng lupa ang hanging silangan? "Sinong humukay ng daluyan para sa mga agos ng ulan, at para sa kislap ng kidlat ay gumawa ng daanan, upang magpaulan sa lupang hindi tinatahanan ng tao, sa disyerto na kung saan ay walang tao; upang busugin ang giba at sirang lupa, at upang sibulan ng damo ang lupa? "Mayroon bang ama ang ulan? O sa mga patak ng hamog ay sino ang nagsilang? Sa kaninong bahay-bata ang yelo ay nagmula? At sino ang sa namuong hamog sa langit ang nagsilang kaya? Ang tubig ay nagiging sintigas ng bato, at ang ibabaw ng kalaliman ay nabubuo. "Ang mga tanikala ng Pleyades ay iyo bang matatalian, o ang mga tali ng Orion ay iyo bang makakalagan? Maaakay mo ba ang pangkat ng mga bituin sa kanilang kapanahunan, o ang Oso na kasama ng kanyang mga anak ay iyo bang mapapatnubayan? Alam mo ba ang mga tuntunin ng langit? Maitatatag mo ba ang kanilang kapangyarihan sa daigdig? "Mailalakas mo ba hanggang sa mga ulap ang iyong tinig, upang matakpan ka ng saganang tubig? Makakapagsugo ka ba ng mga kidlat, upang sila'y humayo, at magsabi sa iyo, 'Kami'y naririto? Sinong naglagay sa mga ulap ng karunungan? O sinong nagbigay sa mga ambon ng kaalaman? Sinong makakabilang ng mga ulap sa pamamagitan ng karunungan? O sinong makapagtatagilid ng mga sisidlang-tubig ng kalangitan, kapag ang alabok ay nagkakabit-kabit, at ang tigkal na lupa ay mabilis na naninikit? "Maihuhuli mo ba ng biktima ang leon? O mabubusog mo ba ang panlasa ng mga batang leon, kapag sila'y yumuyuko sa kanilang mga lungga, at nagtatago sa guwang upang mag-abang ng masisila? Sinong nagbibigay sa uwak ng kanyang pagkain, kapag ang kanyang mga inakay sa Diyos ay dumaraing, at nagsisigala dahil sa walang pagkain? "Alam mo ba kung kailan nanganganak ang mga kambing sa kabundukan? Ang pagsilang ng mga usa ay iyo bang napagmasdan? Mabibilang mo ba ang mga buwan ng kanilang kagampanan, o alam mo ba kung kailan ang kanilang pagsisilang, kapag sila'y yumuko, ang kanilang mga anak ay iniluluwal, at ang kanilang sanggol ay isinisilang? Ang kanilang mga anak ay nagiging malakas, sa kaparangan sila'y lumalaki, sila'y humahayo at sa kanila'y hindi na bumabalik muli. "Sinong nagpakawala sa asnong mabangis? Sinong nagkalag ng mga tali ng asnong mabilis? Na ginawa kong bahay niya ang ilang, at ang lupang maasin na kanyang tahanan? Nililibak nito ang ingay ng bayan, ang sigaw ng nagpapatakbo ay di nito napapakinggan. Nililibot niya ang mga bundok bilang kanyang pastulan, at naghahanap siya ng bawat luntiang bagay. "Payag ba ang torong mailap na ikaw ay paglingkuran? Magpapalipas ba siya ng gabi sa iyong sabsaban? Matatalian mo ba siya ng lubid sa tudling, ang mga libis sa likuran mo ay kanya bang bubungkalin? Aasa ka ba sa kanya, dahil siya'y lubhang malakas? At ang iyong gawain sa kanya ba'y iaatas? May tiwala ka ba sa kanya na siya'y babalik, at dadalhin ang mga butil sa iyong lugar ng paggiik? "Ang pakpak ng avestruz ay may pagmamalaking kumakampay, ngunit ang mga iyon ba'y mga pakpak at balahibo ng pagmamahal? Sapagkat iniiwan niya sa lupa ang kanyang mga itlog, at pinaiinit ang mga iyon sa alabok, na kinalilimutang baka mapisa ang mga iyon ng paa, o ang mailap na hayop ay yumurak sa kanila. Malupit siya sa kanyang mga sisiw, na parang sila ay hindi kanya; bagaman ang kanyang gawa ay mawalang kabuluhan, hindi siya nangangamba; sapagkat ipinalimot sa kanya ng Diyos ang karunungan, at hindi siya binahaginan ng kaunawaan. Kapag siya'y tumatayo upang tumakbo, tinatawanan niya ang kabayo at ang sakay nito. "Binibigyan mo ba ang kabayo ng kanyang kapangyarihan? Binibihisan mo ba ang kanyang leeg ng kalakasan? Pinalulukso mo ba siya na parang balang? Ang maharlika niyang pagbahin ay kagimbal-gimbal. Siya'y kumakahig sa libis, at nagagalak sa lakas niya, siya'y lumalabas upang harapin ang mga sandata. Tinatawanan niya ang pagkatakot at hindi siya nanlulupaypay; ang tabak ay hindi niya tinatalikuran. Tumutunog sa kanya ang suksukan ng pana, ang makintab na sibat at ang sibat na mahaba. May bangis at galit na sinasakmal niya ang lupa, hindi siya makatayong tahimik sa tunog ng trumpeta. Kapag tumutunog ang trumpeta, ay sinasabi niya, 'Aha!' At kanyang naaamoy ang labanan mula sa kalayuan, ang ingay ng mga kapitan at ang sigawan. "Lumilipad ba ang uwak sa pamamagitan ng iyong karunungan, at ibinubuka ang kanyang mga pakpak sa dakong timugan? Sa pamamagitan ba ng iyong utos pumapailanglang ang agila, at siya'y gumagawa sa itaas ng pugad niya? Siya'y naninirahan sa malaking bato, at ginagawa itong tahanan, sa tuktok ng burol na batuhan. Mula roo'y nag-aabang siya ng mabibiktima, mula sa malayo'y nakikita ito ng kanyang mga mata. Sumisipsip ng dugo ang mumunting mga anak niya; at kung saan naroon ang pinatay, ay naroroon siya." At sumagot ang PANGINOON kay Job at sinabi: "Ang mapaghanap ng kamalian ay makikipagtalo ba sa Makapangyarihan sa lahat? Siyang nakikipagtalo sa Diyos, ay sagutin niya ito." Nang magkagayo'y sumagot si Job sa PANGINOON, at nagsabi, "Narito, ako'y walang kabuluhan; anong isasagot ko sa iyo? Aking inilalagay ang aking kamay sa bibig ko, minsan ay nagsalita ako, at hindi ako tutugon; makalawa, at hindi na ako magpapatuloy." Nang magkagayo'y sumagot ang PANGINOON kay Job mula sa ipu-ipo: "Tulad sa isang lalaki'y magbigkis ka ng iyong baywang; tatanungin kita, at sa akin ay iyong ipaalam. Pati ba ako'y ilalagay mo sa kamalian? Upang ikaw ay ariing ganap ako ba’y iyong hahatulan? Mayroon ka bang kamay na tulad sa Diyos? Makakapagpakulog ka ba ng tinig na gaya niya? "Maggayak ka ngayon ng karilagan at karangalan, magbihis ka ng kaluwalhatian at karingalan. Ang pag-uumapaw ng iyong galit ay ibuhos mong lahat, tunghayan mo ang bawat palalo, at siya'y gawin mong hamak. Masdan mo ang bawat mayabang, at pababain mo siya; at yapakan mo ang masama sa kinatatayuan nila. Silang lahat sa alabok ay sama-samang itago mo; talian mo ang kanilang mukha sa lihim na dako. Kung magkagayo'y kikilalanin ko sa iyo, na mabibigyan ka ng tagumpay ng kanang kamay mo. "Masdan mo, ang Behemot na aking ginawa kung paanong ika'y aking ginawa; siya'y kumakain ng damo na gaya ng baka. Masdan mo, ang lakas niya'y nasa kanyang mga balakang, at ang kapangyarihan niya'y nasa kalamnan ng kanyang tiyan. Pinapatigas niya ang kanyang buntot na sedro ang katulad, ang mga litid ng kanyang mga hita ay magkakalapat. Mga tubong tanso ang mga buto niya, parang mga baretang bakal ang kanyang mga paa. "Sa mga gawa ng Diyos ang pangunahin ay siya; tanging ang lumalang sa kanya, ang makapaglalapit ng kanyang espada! Sapagkat ang nagbibigay sa kanya ng pagkain ay ang mga bundok na doo'y naglalaro ang lahat ng maiilap na hayop. Sa lilim ng punong lotus siya'y nahihimlay, sa puwang ng mga tambo, at sa mga latian. Ang mga puno ng lotus, siya'y lumililim; ang mga sangang batis sa kanya'y nakapaligid. Narito, hindi siya natatakot kung ang ilog man ay nagngangalit; siya'y tiwasay bagaman rumagasa ang Jordan sa kanyang bibig. Mayroon bang makakakuha sa kanya sa pamamagitan ng kanyang mga mata, o matutuhog ang kanyang ilong ng isang silo? "Mahuhuli mo ba ang Leviatan sa pamamagitan ng bingwit? O mailalabas mo ba ang kanyang dila sa pamamagitan ng lubid? Makapaglalagay ka ba sa kanyang ilong ng isang lubid? O mabubutas ang kanyang panga ng isang kawit? Makikiusap ba siya ng marami sa iyo? O magsasalita ba siya sa iyo ng mga salitang malumanay? Makikipagtipan ba siya sa iyo, upang maging alipin mo magpakailannian? Makikipaglaro ka ba sa kanya na gaya sa isang ibon? O tatalian mo ba siya para sa iyong kadalagahan? Makikipagtawaran ba para sa kanya ang mga mangangalakal? Sa mga negosyante siya kaya'y paghahatian? Mahihiwa mo ba ng patalim na bakal ang kanyang balat, o ang kanyang ulo ng sa isda ay pangsibat? Pagbuhatan mo siya ng kamay; isipin mo ang paglalaban, at hindi mo na ito gagawin kailanman! Narito, ang pag-asa ng tao ay nabibigo, siya'y pinabababa kahit makita lamang niya ito. Walang napakabagsik upang mangahas na siya'y mapagalaw, sino ngayon siya na makakatayo sa aking harapan? Sinong nagbigay sa akin, na dapat ko siyang bayaran? Sa akin ang anumang nasa silong ng buong kalangitan. "Hindi ako tatahimik tungkol sa kanyang mga bisig, ni sa kanya mang dakilang kapangyarihan, ni sa kanya mang mainam na hugis. Sinong makapaghuhubad ng kanyang damit na panlabas? Sinong makatatagos sa kanyang dobleng damit-kalasag? Sinong makapagbubukas ng mga pinto ng kanyang mukha? Pagkasindak ang nasa palibot ng ngipin niya. Ang kanyang likod ay gawa sa hanay ng mga kalasag na pinagdikit tulad sa isang pantatak. Ang isa'y napakalapit sa iba pa, anupa't walang hangin na makaraan sa pagitan nila. Ang isa't isa'y magkakabit, hindi maihihiwalay, pagka't nagkakalakip. Ang kanyang mga pagbahin ay nagsisiklab ng tanglaw, at ang kanyang mga mata ay gaya ng talukap mata ng bukang-liwayway. Sa bibig niya'y lumalabas ang nagliliyab na sulo; mga alipatong apoy ay nagsisilukso. Sa mga butas ng kanyang ilong may usok na lumalabas, gaya ng mula sa isang kumukulong kaldero at mga talahib na nagniningas. Nagpapaningas ng mga uling ang kanyang hininga, at may apoy na lumalabas sa bibig niya. Sa kanyang leeg ay nananatili ang kalakasan, at ang sindak ay sumasayaw sa kanyang harapan. Ang mga kaliskis ng kanyang laman ay magkakadikit, matibay ang pagkakabit sa kanya at hindi maaalis. Kasintigas ng bato ang kanyang puso, matigas na gaya ng panggiling na bato. Kapag siya'y tumitindig ang mga makapangyarihan ay natatakot, nawawala sila sa sarili dahil sa kanyang kalabog. Kahit na tamaan siya ng tabak, ito ay hindi tumatalab; ni ng sibat man, ng palaso, ni ng mahabang pangsibat. Itinuturing niyang parang dayami ang bakal, at ang tanso ay parang bulok na kahoy lamang. Hindi siya mapapatakbo ng palaso, sa kanya'y nagiging pinaggapasan ang mga pantirador na bato. Ang mga pamalo ay itinuturing na pinaggapasan, ang langitngit ng mga sibat ay kanyang tinatawanan. Ang kanyang mga sangkap sa ibaba ay gaya ng matatalas na bibinga; parang paragos ng giikan kung siya'y bumubuka. Kanyang pinakukulo ang kalaliman na parang palayok; ginagawa niya ang dagat na parang isang palayok ng pamahid na gamot. Sa likuran ay nag-iiwan siya ng bakas na kumikinang, aakalain ng sinuman na ubanin ang kalaliman. Walang gaya niya sa ibabaw ng lupa, isang walang takot na nilikha. Kanyang minamasdan ang bawat mataas na bagay; siya'y hari sa lahat ng mga anak ng kapalaluan." Pagkatapos ay sumagot si Job sa PANGINOON, at sinabi, "Alam kong magagawa mo ang lahat ng mga bagay, at wala kang layunin na mahahadlangan. 'Sino itong nagkukubli ng payo na walang kaalaman?' Kaya't aking nasambit ang hindi ko nauunawaan, mga bagay na lubhang kahanga-hanga para sa akin, na hindi ko nalalaman. 'Makinig ka at magsasalita ako; tatanungin kita at sa akin ay ipahayag mo.' Narinig kita sa pakikinig ng tainga, ngunit ngayo'y nakikita ka ng aking mata, kaya't ako'y namumuhi sa sarili ko, at nagsisisi ako sa alabok at mga abo." Pagkatapos na masabi ng PANGINOON ang mga salitang ito kay Job, sinabi ng PANGINOON kay Elifaz na Temanita, "Ang aking poot ay nag-aalab laban sa iyo at sa iyong dalawang kaibigan; sapagkat hindi kayo nagsalita tungkol sa akin ng bagay na matuwid, gaya ng ginawa ng aking lingkod na si Job. Kaya't kumuha kayo ngayon ng pitong guyang baka, at pitong lalaking tupa, at pumunta kayo sa aking lingkod na si Job. Maghandog kayo para sa inyo ng handog na sinusunog, at idadalangin kayo ng aking lingkod na si Job. Tatanggapin ko ang kanyang panalangin na huwag kayong pakitunguhan ayon sa inyong kamangmangan; sapagkat hindi kayo nagsalita tungkol sa akin ng bagay na matuwid, gaya ng aking lingkod na si Job." Sa gayo'y humayo si Elifaz na Temanita, si Bildad na Suhita, at si Zofar na Naamatita, at ginawa ang ayon sa iniutos sa kanila ng PANGINOON, at tinanggap ng PANGINOON ang panalangin ni Job. At ibinalik ng PANGINOON ang kayamanan ni Job, nang kanyang idalangin ang kanyang mga kaibigan. At dinoble ng PANGINOON ang dating kayamanan ni Job. Nang magkagayo'y pumunta sa kanya ang lahat niyang mga kapatid na lalaki at babae, at lahat na naging kakilala niya nang una, at kumain ng tinapay na kasalo niya sa kanyang bahay. Nakiramay sila sa kanya, at inaliw siya tungkol sa lahat ng kasamaan na ibinigay sa kanya ng PANGINOON. Bawat tao'y nagbigay sa kanya ng isang pirasong salapi, at singsing na ginto. Sa gayo'y pinagpala ng PANGINOON ang mga huling araw ni Job na higit kaysa kanyang pasimula. Siya'y nagkaroon ng labing-apat na libong tupa, anim na libong kamelyo, isang libong magkatuwang na baka, at isang libong asnong babae. Siya'y nagkaroon din ng pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae. Tinawag niya ang pangalan ng una na Jemima, ang ikalawa ay Keziah, at ang ikatlo ay Keren-hapuch. At sa buong lupain ay walang mga babaing natagpuang kasing-ganda ng mga anak na babae ni Job, at binigyan sila ng kanilang ama ng mana kasama ng kanilang mga kapatid na lalaki. Pagkatapos nito'y nabuhay si Job na isandaan at apatnapung taon, at nakita niya ang kanyang mga anak, at ang mga anak ng kanyang mga anak, hanggang sa apat na salinlahi. At namatay si Job, matanda na at puspos ng mga araw. Mapalad ang taong hindi lumalakad sa payo ng masama, ni tumatayo man sa daan ng mga makasalanan, ni umuupo man sa upuan ng mga manunuya; kundi nasa kautusan ng PANGINOON ang kanyang kagalakan, at nagbubulay-bulay araw at gabi sa kanyang kautusan. Siya ay gaya ng isang punungkahoy na itinanim sa tabi ng agos ng tubig, na nagbubunga sa kanyang kapanahunan, ang kanyang dahon nama'y hindi nalalanta, sa lahat ng kanyang ginagawa ay nagtatagumpay siya. Ang masama ay hindi gayon; kundi parang ipang itinataboy ng hangin. Kaya't ang masama ay hindi tatayo sa hukuman, ni sa kapulungan ng matuwid ang makasalanan; sapagkat ang lakad ng matuwid ang PANGINOON ang nakakaalam, ngunit mapapahamak ang lakad ng makasalanan. Bakit nagsasabwatan ang mga bansa, at sa walang kabuluhan ang mga bayan ay nagpaplano? Inihanda ng mga hari sa lupa ang kanilang sarili, at ang mga pinuno ay nagsisangguni, laban sa PANGINOON at sa kanyang binuhusan ng langis, na nagsasabi, "Ang kanilang panggapos ay ating lagutin, at itapon ang kanilang mga panali mula sa atin." Siya na nakaupo sa kalangitan ay tumatawa; at ang PANGINOON ay kumukutya sa kanila. Kung magkagayo'y magsasalita siya sa kanila sa kanyang poot, at tatakutin sila sa kanyang matinding galit, na nagsasabi, "Gayunma'y inilagay ko ang aking hari sa Zion, sa aking banal na burol." Aking sasabihin ang tungkol sa Utos ng PANGINOON: Sinabi niya sa akin, "Ikaw ay aking anak, sa araw na ito kita ay ipinanganak. Humingi ka sa akin at ang mga bansa ay gagawin kong mana mo, at ang mga dulo ng lupa ay magiging iyo. Sila'y iyong babaliin ng pamalong bakal, at dudurugin mo sila gaya ng banga." Kaya't ngayon, O mga hari, kayo'y magpakapantas; O mga pinuno ng lupa, kayo'y magsihanda. Kayo'y maglingkod sa PANGINOON na may takot, at magalak na may panginginig, ang anak ay inyong hagkan, baka magalit siya at kayo'y mapahamak sa daan; sapagkat ang kanyang poot ay madaling mag-alab. Mapapalad ang lahat na nanganganlong sa kanya. PANGINOON, ang mga kaaway ko ay dumarami! Ang tumitindig laban sa akin ay marami; marami ang nagsasabi tungkol sa aking kaluluwa, walang tulong mula sa Diyos para sa kanya. (Selah) Ngunit ikaw, O PANGINOON ay isang kalasag sa palibot ko, aking kaluwalhatian, at siyang tagapagtaas ng aking ulo. Ako'y dumadaing nang malakas sa PANGINOON, at sinasagot niya ako mula sa kanyang banal na burol. (Selah) Ako'y nahiga at natulog; ako'y muling gumising sapagkat inaalalayan ako ng PANGINOON. Sa sampung libu-libong tao ako'y hindi natatakot, na naghanda ng kanilang mga sarili laban sa akin sa palibot. Bumangon ka, O PANGINOON! Iligtas mo ako, O aking Diyos! Sapagkat iyong sinampal sa pisngi ang lahat ng aking mga kaaway, iyong binasag ang mga ngipin ng masama. Ang pagliligtas ay sa PANGINOON; sumaiyong bayan nawa ang iyong pagpapala. (Selah) Sagutin mo ako kapag tumatawag ako, O Diyos na tagapagtanggol ko! Binigyan mo ako ng silid nang ako'y nasa kagipitan. Maawa ka sa akin, at dalangin ko'y iyong pakinggan. O tao, hanggang kailan magdaranas ng kahihiyan ang aking karangalan? Gaano katagal mo iibigin ang mga salitang walang kabuluhan, at hahanapin ang kabulaanan. (Selah) Ngunit alamin ninyo na ibinukod ng PANGINOON para sa kanyang sarili ang banal; ang PANGINOON ay nakikinig kapag sa kanya ako'y nagdarasal. Magalit ka, subalit huwag kang magkakasala; magbulay-bulay ka ng iyong puso sa iyong higaan, at tumahimik ka. (Selah) Maghandog kayo ng matuwid na mga alay, at ang inyong pagtitiwala sa PANGINOON ilagay. Marami ang nagsasabi, "Sana'y makakita kami ng ilang kabutihan! O PANGINOON, ang liwanag ng iyong mukha sa amin ay isilay!" Ikaw ay naglagay ng kagalakan sa aking puso, kaysa nang ang kanilang butil at alak ay sagana. Payapa akong hihiga at gayundin ay matutulog; sapagkat ikaw lamang, O PANGINOON, ang gumagawa upang mamuhay ako sa katiwasayan. Dinggin mo ang aking mga salita, O PANGINOON, pakinggan mo ang aking panaghoy. Pakinggan mo ang tunog ng aking daing, hari ko at Diyos ko; sapagkat sa iyo ako'y nananalangin. O PANGINOON, sa umaga ang tinig ko'y iyong pinapakinggan; sa umaga'y naghahanda ako para sa iyo, at ako'y magbabantay. Sapagkat ikaw ay hindi isang Diyos na nalulugod sa kasamaan; ang kasamaan ay hindi mo kasamang naninirahan. Ang hambog ay hindi makakatayo sa iyong harapan, kinapopootan mo ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan. Iyong lilipulin sila na nagsasalita ng mga kasinungalingan; kinasusuklaman ng PANGINOON ang mamamatay-tao at manlilinlang. Ngunit ako, sa pamamagitan ng kasaganaan ng iyong wagas na pag-ibig, ay papasok sa iyong bahay; at sa iyo'y may takot na sasamba sa templo mong banal. Patnubayan mo ako, O PANGINOON, sa iyong katuwiran dahil sa aking mga kaaway; tuwirin mo ang iyong daan sa aking harapan. Sapagkat walang katotohanan sa kanilang bibig; ang kanilang puso ay pagkawasak, ang kanilang lalamunan ay isang bukas na libingan, sa pamamagitan ng kanilang dila ay nanlilinlang. O Diyos, ipapasan mo sa kanila ang kanilang pagkakasala, sa kanilang sariling mga balak ay hayaan mong mabuwal sila, dahil sa marami nilang mga pagsuway, sila'y iyong palayasin, sapagkat silang laban sa iyo ay suwail. Ngunit hayaan mong magalak ang lahat ng nanganganlong sa iyo, hayaan mo silang umawit sa kagalakan at sila nawa'y ipagsanggalang mo, upang dakilain ka ng mga umiibig sa pangalan mo. O PANGINOON, sapagkat iyong pinagpapala ang tapat, na gaya ng isang kalasag ay tinatakpan mo siya ng paglingap. O PANGINOON, huwag mo akong sawayin sa iyong kagalitan, ni sa iyong pagkapoot, ako ay parusahan man. Maawa ka sa akin, O PANGINOON; sapagkat ako'y nanghihina; O PANGINOON, pagalingin mo ako; sapagkat nanginginig ang aking mga buto. Ang aking kaluluwa ay nababagabag ding mainam. Ngunit ikaw, O PANGINOON, hanggang kailan? Bumalik ka, O PANGINOON, iligtas mo ang aking buhay; iligtas mo ako alang-alang sa iyong tapat na pagmamahal. Sapagkat sa kamatayan ay hindi ka naaalala; sa Sheol naman ay sinong sa iyo ay magpupuri pa? Sa aking pagdaing ako ay napapagod na, bawat gabi ay pinalalangoy ko ang aking higaan, dinidilig ko ang aking higaan ng aking mga pagluha. Ang aking mga mata dahil sa dalamhati ay namumugto, ito'y tumatanda dahil sa lahat ng mga kaaway ko. Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan, sapagkat ang tinig ng aking pagtangis ay kanyang pinakinggan. Narinig ng PANGINOON ang aking pagdaing; tinatanggap ng PANGINOON ang aking panalangin. Lahat ng kaaway ko'y mapapahiya at mababagabag na mainam; sila'y babalik, at kaagad na mapapahiya. PANGINOON kong Diyos, nanganganlong ako sa iyo, iligtas mo ako sa lahat ng humahabol sa akin, at iligtas mo ako, baka gaya ng leon ay lurayin nila ako, na kinakaladkad akong papalayo, at walang sumaklolo. O PANGINOON kong Diyos, kung ginawa ko ito, kung may pagkakamali sa mga kamay ko, kung ako'y gumanti ng kasamaan sa aking kaibigan o nilooban ang aking kaaway na walang dahilan, hayaang habulin ako ng aking kaaway at abutan ako, at tapakan niya sa lupa ang buhay ko, at ilagay sa alabok ang kaluwalhatian ko. (Selah) Ikaw ay bumangon, O PANGINOON, sa iyong galit, itaas mo ang iyong sarili laban sa poot ng aking mga kagalit, at gumising ka dahil sa akin; ikaw ay nagtakda ng pagsusulit. Hayaang ang kapulungan ng mga tao ay pumaligid sa iyo; at bumalik ka sa itaas sa ibabaw nito. Ang PANGINOON ay humahatol, sa mga bayan; hatulan mo ako, O PANGINOON, ayon sa aking katuwiran, at ayon sa taglay kong katapatan. O nawa'y magwakas na ang kasamaan ng masama, ngunit itatag mo ang matuwid; sapagkat sinusubok ng matuwid na Diyos ang mga puso at mga pag-iisip. Ang Diyos ay aking kalasag, na nagliligtas ng pusong tapat. Ang Diyos ay hukom na matuwid, at isang Diyos na araw-araw ay may galit, Kung hindi magsisi ang tao, ihahasa ng Diyos ang tabak nito; kanyang inihanda at iniumang ang kanyang palaso; nakakamatay na mga sandata ang kanyang inihanda, kanyang pinapagniningas ang kanyang mga pana. Narito, siya'y nagdaramdam ng kasamaan; at siya'y naglihi ng kasamaan, at nanganak ng kabulaanan. Siya'y gumawa ng hukay at pinalalim pang kusa, at nahulog sa butas na siya ang may gawa. Bumabalik sa sarili niyang ulo ang gawa niyang masama, at ang kanyang karahasan sa sarili niyang bumbunan ay bumababa. Ibibigay ko sa PANGINOON ang pasasalamat na nararapat sa kanyang katuwiran, at ako'y aawit ng papuri sa pangalan ng PANGINOON, ang Kataas-taasan. O PANGINOON, aming Panginoon, sa buong lupa ay napakadakila ng iyong pangalan! Sa itaas ng mga langit ay inaawit ang iyong kaluwalhatian mula sa bibig ng mga sanggol at mga musmos, ikaw ay nagtatag ng tanggulan dahil sa mga kalaban mo, upang patahimikin ang kaaway at ang maghihiganti sa iyo. Kapag pinagmamasdan ko ang iyong kalangitan, ang gawa ng iyong mga daliri, ang buwan at ang mga bituin na iyong inilagay; ano ang tao upang siya'y iyong alalahanin? at ang anak ng tao upang siya'y iyong kalingain? Gayunma'y ginawa mo siyang mababa lamang nang kaunti kaysa Diyos, at pinutungan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan. Binigyan mo siya ng kapamahalaan sa mga gawa ng iyong mga kamay; sa ilalim ng kanyang mga paa ay inilagay mo ang lahat ng mga bagay, lahat ng tupa at baka, gayundin ang mga hayop sa parang, ang mga ibon sa himpapawid, at ang mga isda sa dagat, anumang nagdaraan sa mga daanan ng dagat. O PANGINOON, aming Panginoon, sa buong lupa ay napakadakila ang iyong pangalan! Ako'y magpapasalamat sa PANGINOON ng buong puso ko; aking sasabihin sa lahat ang kahanga-hangang mga gawa mo. Ako'y magagalak at magsasaya sa iyo. O Kataas-taasan, ako'y aawit ng pagpuri sa pangalan mo. Nang magsibalik ang mga kaaway ko, sila'y natisod at nalipol sa harapan mo. Sapagkat iyong pinanatili ang matuwid na usapin ko, ikaw ay naggagawad ng matuwid na hatol habang nakaupo sa trono. Iyong sinaway ang mga bansa, nilipol mo ang masama, pinawi mo ang kanilang pangalan magpakailanman. Ang kaaway ay naglaho sa walang hanggang pagkawasak; ang kanilang mga lunsod ay binunot mo, ang tanging alaala nila ay naglaho. Ngunit nakaupong hari magpakailanman ang PANGINOON, itinatag niya ang kanyang trono para sa paghatol; at hinahatulan niyang may katarungan ang sanlibutan, at ang mga tao'y pantay-pantay niyang hinahatulan. Ang muog para sa naaapi ay ang PANGINOON, isang muog sa magugulong panahon. At silang nakakakilala ng iyong pangalan ay magtitiwala sa iyo; sapagkat ikaw, O PANGINOON, ay hindi nagpabaya sa mga naghahanap sa iyo. Magsiawit kayo ng mga pagpuri sa PANGINOON, sa mga nagsisitahan sa Zion! Ipahayag ninyo sa mga bansa ang kanyang mga gawa! Sapagkat siya na naghihiganti ng dugo ay inaalala sila; hindi niya kinalilimutan ang daing ng nagdurusa. O PANGINOON! Kahabagan mo ako, mula sa kanila na napopoot sa akin, ang tinitiis ko'y masdan mo. Yamang mula sa mga pintuan ng kamatayan, ako ay itinaas mo. upang aking maisaysay ang lahat ng kapurihan mo, upang sa mga pintuan ng anak na babae ng Zion, ay ikagalak ko ang pagliligtas mo. Nahulog ang mga bansa, sa hukay na kanilang ginawa; sa lambat na kanilang ikinubli, sarili nilang mga paa ang nahuli. Ipinakilala ng PANGINOON ang sarili niya, siya'y naglapat ng pasiya; ang masama ay nasilo sa mga gawa ng kanilang sariling mga kamay. (Higgaion. Selah) Babalik sa Sheol ang masama ang lumilimot sa Diyos sa lahat ng mga bansa. Sapagkat ang nangangailangan ay hindi laging malilimutan, at ang pag-asa ng dukha ay hindi mapapawi magpakailanman. Bumangon ka, O PANGINOON; huwag papanaigin ang tao; hatulan mo ang mga bansa sa harapan mo! Ilagay mo sila sa pagkatakot, O PANGINOON! Ipaalam mo sa mga bansa na sila'y mga tao lamang! (Selah) Bakit ka nakatayo sa malayo, O PANGINOON? Bakit ka nagtatago kapag magulo ang panahon? Sa kapalaluan ay mainit na hinahabol ng masama ang dukha; mahuli nawa sila sa binalangkas nilang mga pakana. Sapagkat ipinagmamalaki ng masama ang nais ng kanyang puso, sinusumpa at tinatalikuran ang PANGINOON ng taong sakim sa patubo. Sa kapalaluan ng kanyang mukha, ang masama ay hindi naghahanap sa kanya; lahat niyang iniisip ay, "Walang Diyos." Ang kanyang mga lakad sa lahat ng panahon ay umuunlad, malayo sa kanyang paningin ang iyong mga hatol na nasa itaas; tungkol sa lahat niyang mga kaaway, kanyang tinutuya silang lahat. Iniisip niya sa kanyang puso, "Hindi ako magagalaw; sa buong panahon ng salinlahi ay hindi ako malalagay sa kaguluhan." Ang kanyang bibig ay puno ng pagsumpa, pang-aapi at panlilinlang, sa ilalim ng kanyang dila ay kalikuan at kasamaan. Siya'y nakaupo sa mga tagong dako ng mga nayon; sa mga kubling dako ang walang sala ay ipinapapatay, ang kanyang mga mata ay palihim na nagmamatyag sa walang kakayahan. Siya'y lihim na nagbabantay na parang leon sa kanyang lungga; siya'y nag-aabang upang hulihin ang dukha, sinusunggaban niya ang dukha kapag kanyang nahuli siya sa lambat niya. Siya ay gumagapang, siya'y yumuyuko, at ang sawing-palad ay bumabagsak sa kanyang mga kuko. Sinasabi niya sa kanyang puso, "Ang Diyos ay nakalimot, ikinubli niya ang kanyang mukha, hindi niya ito makikita kailanman." O PANGINOON, O Diyos, itaas mo ang iyong kamay, bumangon ka; huwag mong kalilimutan ang nagdurusa. Bakit tinatalikuran ng masama ang Diyos, at sinasabi sa kanyang puso, "Hindi mo ako hihingan ng sulit?" Iyong nakita; Oo, iyong namamasdan ang kaguluhan at pagkayamot, upang iyong mailagay ito sa mga kamay mo; itinalaga ng sawing-palad ang sarili sa iyo; sa mga ulila ikaw ay naging saklolo. Baliin mo ang bisig ng masama at gumagawa ng kasamaan; hanapin mo ang kanyang kasamaan hanggang sa wala kang matagpuan. Ang PANGINOON ay hari magpakailanpaman. mula sa kanyang lupain ang mga bansa ay mapaparam. O PANGINOON, iyong maririnig ang nasa ng maamo; iyong palalakasin ang kanilang puso, iyong papakinggan ng iyong pandinig upang ipagtanggol ang mga naaapi at ulila, upang hindi na makapanakot pa ang taong mula sa lupa. Sa PANGINOON ay nanganganlong ako; paanong sa akin ay nasasabi mo, "Tumakas ka na gaya ng ibon sa mga bundok; sapagkat binalantok ng masama ang pana, iniakma na nila ang kanilang palaso sa bagting, upang ipana sa kadiliman sa may matuwid na puso, kung ang mga saligan ay masira, matuwid ba'y may magagawa?" Ang PANGINOON ay nasa kanyang banal na templo, ang trono ng PANGINOON ay nasa langit; ang kanyang mga mata ay nagmamasid, ang mga talukap ng kanyang mata ay sumusubok sa mga anak ng mga tao. Sinusubok ng PANGINOON ang matuwid at ang masama, at kinapopootan ng kanyang kaluluwa ang nagmamahal sa karahasan. Sa masama ay magpapaulan siya ng mga baga ng apoy; apoy at asupre at hanging nakakapaso ang magiging bahagi ng kanilang saro. Sapagkat ang PANGINOON ay matuwid; minamahal niya ang mga gawang matuwid; ang kanyang mukha ay mamamasdan ng matuwid. PANGINOON, sapagkat wala ng sinumang banal, kami ay tulungan mo, sapagkat ang mga tapat ay naglaho na sa gitna ng mga anak ng mga tao. Bawat isa ay nagsasalita ng kabulaanan sa kanyang kapwa, sila'y nagsasalitang may mapanuyang mga labi at may pusong mandaraya. Nawa'y putulin ng PANGINOON ang lahat ng mapanuyang mga labi, ang dila na gumagawa ng malaking pagmamalaki, ang mga nagsasabi, "Sa pamamagitan ng aming dila ay magtatagumpay kami, ang aming mga labi ay nasa amin; sino ang panginoon namin?" "Sapagkat ang dukha ay inagawan, sapagkat dumaraing ang nangangailangan, titindig na ako ngayon," sabi ng PANGINOON; "Ilalagay ko siya sa kaligtasang kanyang minimithi." Ang mga salita ng PANGINOON ay mga dalisay na salita, gaya ng pilak na sinubok sa hurno sa lupa, na pitong ulit na dinalisay. O PANGINOON, sila ay iyong iingatan, iingatan mo sila mula sa salinlahing ito magpakailanman. Gumagala ang masasama sa bawat dako, kapag ang kasamaan ay naitataas sa gitna ng mga anak ng mga tao. PANGINOON, hanggang kailan? Kalilimutan mo ba ako magpakailanman? Hanggang kailan mo ikukubli ang iyong mukha sa akin? Hanggang kailan ako kukuha ng payo sa aking kaluluwa, at magkaroon ng kalungkutan sa aking puso buong araw? Hanggang kailan magtatagumpay ang aking kaaway laban sa akin? O PANGINOON kong Diyos, bigyang-pansin at sagutin mo ako, ang aking mga mata'y paliwanagin mo, baka sa kamatayan matulog ako; baka sabihin ng aking kaaway, "Laban sa kanya, ako'y nagtagumpay;" sapagkat ako'y nayayanig; baka magalak ang aking kaaway. Ngunit ako'y nagtiwala sa tapat mong paglingap, sa iyong pagliligtas, puso ko'y magagalak. Ako'y aawit sa PANGINOON, sapagkat ako'y pinakitunguhan niya na may kasaganaan. Sinasabi ng hangal sa kanyang puso, "Walang Diyos." Sila'y masasama, sila'y gumagawa ng kasuklam-suklam na mga gawa; walang gumagawa ng mabuti. Ang PANGINOON ay nakadungaw mula sa langit sa mga anak ng mga tao, upang tingnan kung may sinumang kumikilos na may talino, na hinahanap ang Diyos. Silang lahat ay naligaw, sila ay pare-parehong naging masasama; walang sinumang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa. Hindi ba alam ng lahat ng gumagawa ng kasamaan, na siyang kumakain sa aking bayan gaya ng kanilang pagkain ng tinapay, at hindi tumatawag sa PANGINOON? Sa malaking pagkasindak sila'y malalagay, sapagkat ang Diyos ay kasama ng salinlahi ng mga banal. Ang panukala ng dukha sa kahihiyan ay ilalagay mo, ngunit ang PANGINOON ang kanyang saklolo. Ang pagliligtas para sa Israel ay manggaling nawa mula sa Zion! Kapag ang kayamanan ng kanyang bayan ay ibinalik ng PANGINOON, magagalak si Jacob, at matutuwa ang Israel. O PANGINOON, sinong sa iyong tolda ay manunuluyan? Sinong sa iyong banal na burol ay maninirahan? Siyang lumalakad na matuwid, at gumagawa ng katuwiran, at mula sa kanyang puso ay nagsasalita ng katotohanan; siyang hindi naninirang-puri ng kanyang dila, ni sa kanyang kaibigan ay gumagawa ng masama, ni umaalipusta man sa kanyang kapwa; na sa mga mata niya ay nahahamak ang isang napakasama, kundi pinararangalan ang mga natatakot sa PANGINOON; at hindi nagbabago kapag sumumpa kahit na ito'y ikasasakit; siyang hindi naglalagay ng patubo sa kanyang salapi, ni kumukuha man ng suhol laban sa walang sala. Siyang gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi matitinag kailanman. Ingatan mo ako, O Diyos, sapagkat sa iyo ako nanganganlong. Sinasabi ko sa PANGINOON, "Ikaw ay aking Panginoon; ako'y walang kabutihan kung hiwalay ako sa iyo." Tungkol sa mga banal na nasa lupa, sila ang mararangal, sa kanila ako lubos na natutuwa. Yaong mga pumili ng ibang diyos ay nagpaparami ng kanilang mga kalungkutan; ang kanilang inuming handog na dugo ay hindi ko ibubuhos, ni babanggitin man sa aking mga labi ang kanilang mga pangalan. Ang PANGINOON ang aking piling bahagi at aking saro; ang aking kapalaran.ay hawak mo. Ang pisi ay nahulog para sa akin sa magagandang dako; Oo, ako'y may mabuting mana. Aking pupurihin ang PANGINOON na nagbibigay sa akin ng payo; maging sa gabi ay tinuturuan ako ng aking puso. Lagi kong pinananatili ang PANGINOON sa aking harapan; hindi ako matitinag, sapagkat siya ay nasa aking kanan. Kaya't ang aking puso ay masaya, at nagagalak ang aking kaluluwa; ang akin namang katawan ay tatahang payapa. Sapagkat ang aking kaluluwa sa Sheol ay hindi mo iiwan, ni hahayaan mong makita ng iyong banal ang Hukay. Iyong ipinakita sa akin ang landas ng buhay: sa iyong harapan ay may kapuspusan ng kagalakan; sa iyong kanang kamay ay mga kasayahan magpakailanman. O PANGINOON, pakinggan mo ang matuwid na usapin, pansinin mo ang aking daing! Mula sa mga labing walang pandaraya, dinggin mo ang aking panalangin. Mula sa iyo ay manggaling ang aking kahatulan, makita nawa ng iyong mga mata ang katuwiran! Sinubok mo ang aking puso, dinalaw mo ako sa gabi, nilitis mo ako at wala kang natagpuan, ako'y nagpasiya na ang aking bibig ay hindi susuway. Tungkol sa mga gawa ng mga tao, sa pamamagitan ng salita ng mga labi mo, ang mga daan ng karahasan ay naiwasan ko. Ang aking mga hakbang ay nanatili sa iyong mga landas, ang aking mga paa ay hindi nadulas. Ako'y tumatawag sa iyo, O Diyos, sapagkat ikaw ay sasagot sa akin, ang iyong pandinig ay ikiling sa akin, ang aking mga salita ay pakinggan mo rin. Ipakita mong kagila-gilalas ang tapat mong pagmamahal, O tagapagligtas ng mga naghahanap ng kanlungan mula sa kanilang mga kaaway sa iyong kanang kamay. Gaya ng itim ng mata, ako ay ingatan mo; sa lilim ng iyong mga pakpak, ako ay ikubli mo, mula sa masama na nananamsam sa akin, sa nakakamatay kong mga kaaway na pumapalibot sa akin. Isinara nila ang kanilang mga puso sa kahabagan, sa kanilang bibig ay nagsalita sila na may kapalaluan. Kinubkob nga nila kami sa aming mga hakbang; itinititig nila ang kanilang mga mata upang sa lupa kami ay ibuwal. Sila’y parang leong sabik na manluray, parang batang leon na sa mga tagong dako ay nag-aabang. O PANGINOON, bumangon ka, harapin mo sila, ibagsak mo sila! Iligtas mo sa masama ang buhay ko sa pamamagitan ng tabak mo, mula sa mga tao, sa pamamagitan ng iyong kamay, O PANGINOON ko, mula sa mga tao na ang bahagi sa buhay ay sa sanlibutang ito. At ang tiyan nila'y pinupuno mo ng iyong kayamanan, sila'y nasisiyahan na kasama ng mga anak, at iniiwan nila ang kanilang kayamanan sa kanilang mga sanggol. Tungkol sa akin, aking mamasdan ang iyong mukha sa katuwiran; kapag ako'y gumising, aking mamamasdan ang iyong anyo at masisiyahan. Iniibig kita, O PANGINOON, aking kalakasan. Ang PANGINOON ay aking malaking bato, at aking muog, at tagapagligtas ko, aking Diyos, aking malaking bato na sa kanya'y nanganganlong ako; aking kalasag, at siyang sungay ng aking kaligtasan, matibay na kuta ko. Ako'y tumatawag sa PANGINOON na marapat purihin, at naligtas ako sa aking mga kaaway. Nakapulupot sa akin ang mga tali ng kamatayan inaalon ako ng mga baha ng kasamaan. Ang mga tali ng Sheol ay nasa buong palibot ko, hinarap ako ng mga bitag ng kamatayan. Sa aking kapanglawan ay tumawag ako sa PANGINOON, sa aking Diyos ay humingi ako ng tulong. Mula sa kanyang templo ay napakinggan niya ang aking tinig. At ang aking daing sa kanya ay nakarating sa kanyang pandinig. Nang magkagayo'y nauga at nayanig ang lupa, ang mga saligan ng mga bundok ay nanginig at nauga, sapagkat siya'y galit. Ang usok ay pumailanglang mula sa mga butas ng kanyang ilong, at mula sa kanyang bibig ay apoy na lumalamon, at sa pamamagitan niyon, mga baga ay nag-aapoy. Kanyang iniyuko ang mga langit at bumaba; ang makapal na kadiliman ay nasa ilalim ng kanyang mga paa. At siya'y sumakay sa isang kerubin, at lumipad, siya'y lumipad na maliksi sa mga pakpak ng hangin. Ginawa niyang panakip ang kadiliman, ang kanyang kulandong sa palibot niya ay mga kadiliman ng tubig, at mga makakapal na ulap sa langit. Mula sa kaliwanagang nasa harapan niya ay lumabas ang kanyang mga ulap, ang mga granizo at mga bagang apoy. Ang PANGINOON ay kumulog din sa mga langit, at sinalita ng Kataas-taasan ang kanyang tinig, mga yelo at mga bagang apoy. At kanyang itinudla ang kanyang mga pana, at pinangalat sila, nagpakidlat siya at ginapi sila. Nang magkagayo'y nakita ang sa mga dagat na lagusan, at ang mga saligan ng sanlibutan ay nahubaran, sa iyong pagsaway, O PANGINOON, sa hihip ng hinga ng mga butas ng iyong ilong. Siya'y nakaabot mula sa itaas, kinuha niya ako; mula sa maraming tubig ay sinagip niya ako. Iniligtas niya ako sa aking malakas na kaaway, at sa mga napopoot sa akin, sapagkat sila'y napakalakas para sa akin. Sila'y nagsidating sa akin sa araw ng aking kasakunaan, ngunit ang PANGINOON ang aking gabay. Inilabas niya ako sa maluwag na dako; iniligtas niya ako, sapagkat sa akin siya'y nalulugod. Ginantimpalaan ako ng PANGINOON ayon sa aking katuwiran; ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ako'y kanyang ginantihan. Sapagkat ang mga daan ng PANGINOON ay aking iningatan, at sa aking Diyos ay hindi humiwalay na may kasamaan. Sapagkat lahat niyang mga batas ay nasa harapan ko, at ang kanyang mga tuntunin sa akin ay hindi ko inilayo. Ako'y walang dungis sa harapan niya, at iningatan ko ang aking sarili mula sa pagkakasala. Kaya't ginantimpalaan ako ng PANGINOON ayon sa aking katuwiran, ayon sa kalinisan ng aking mga kamay sa kanyang harapan. Sa tapat ay ipinakita mo ang iyong sarili bilang tapat; sa mga walang dungis ay ipinakita mo ang sarili bilang walang dungis. Sa dalisay ay ipinakita mo ang sarili bilang dalisay; at sa liko ay ipinakita mo ang sarili bilang masama. Sapagkat iyong ililigtas ang mapagpakumbabang bayan, ngunit ang mga mapagmataas na mata ay ibababa mo naman. Oo, iyong papagniningasin ang aking ilawan; pinaliliwanag ng PANGINOON kong Diyos ang aking kadiliman. Oo, sa pamamagitan mo ang isang hukbo ay madudurog ko, at sa pamamagitan ng aking Diyos ang pader ay aking malulukso. Tungkol sa Diyos — sakdal ang lakad niya; ang salita ng PANGINOON ay subok na; siya'y kalasag ng lahat na nanganganlong sa kanya. Sapagkat sino ang Diyos, kundi ang PANGINOON? At sino ang malaking bato, maliban sa ating Diyos? Ang Diyos na nagbibigkis sa akin ng kalakasan, at ginagawang ligtas ang aking daan. Kanyang ginagawa ang aking mga paa na gaya ng sa mga usa, at sa mataas na dako ako'y matatag na inilalagay niya. Sinasanay niya ang aking mga kamay para sa pakikidigma, anupa't kayang baluktutin ng aking mga kamay ang panang tanso. Ang kalasag ng iyong pagliligtas sa akin ay ibinigay mo, at ng iyong kanang kamay ay inalalayan ako, at pinadakila ako ng kahinahunan mo. Maluwag na lugar ay binibigyan mo ako, para sa aking mga hakbang sa ilalim ko, at hindi nadulas ang mga paa ko. Hinabol ko ang aking mga kaaway, at inabutan ko sila, at hindi bumalik hanggang sa malipol sila. Ganap ko silang sinaktan kaya't sila'y hindi makatayo; sila'y nalugmok sa ilalim ng aking mga paa. Sapagkat binigkisan ako ng lakas para sa pakikipaglaban; pinalubog mo sa ilalim ko ang sa akin ay sumalakay. Pinatatalikod mo sa akin ang mga kaaway ko, at yaong napopoot sa akin ay winasak ko. Sila'y humingi ng tulong, ngunit walang magligtas, sila'y dumaing sa PANGINOON, subalit sila'y hindi niya tinugon. Dinurog ko silang gaya ng alabok sa harap ng hangin; inihagis ko sila na gaya ng putik sa mga lansangan. Sa mga pakikipagtalo sa taong-bayan ako ay iniligtas mo; at sa mga bansa'y ginawa mo akong puno, ang naglingkod sa akin ay mga di ko kilalang mga tao. Pagkarinig nila sa akin ay sinunod nila ako; ang mga dayuhan sa akin ay nagsisisuko. Nanlulupaypay ang mga dayuhan, sila'y nagsisilabas na nanginginig mula sa dakong kanilang pinagtataguan. Buhay ang PANGINOON; at purihin ang aking malaking bato; at dakilain ang Diyos na kaligtasan ko. Ang Diyos na nagbigay sa akin ng paghihiganti at nagpapasuko ng mga tao sa ilalim ko, inililigtas niya ako sa mga kaaway ko. Oo, sa mga naghihimagsik laban sa akin ay itinaas mo ako, inililigtas mo ako sa mararahas na tao. Dahil dito'y magpapasalamat ako sa iyo, O PANGINOON, sa gitna ng mga bansa, at aawit ako ng mga pagpupuri sa pangalan mo. Mga dakilang tagumpay ang sa kanyang hari'y ibinibigay at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa kanyang pinahiran ng langis, kay David at sa kanyang binhi magpakailanman. Nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos ang kalangitan, at ang mga gawa ng kanyang kamay ay inihahayag ng kalawakan. Sa araw-araw ay nagsasalita, at gabi-gabi ay nagpapahayag ng kaalaman. Walang pananalita o mga salita man; ang kanilang tinig ay hindi narinig. Ngunit lumalaganap sa buong lupa ang kanilang tinig, at ang kanilang mga salita ay hanggang sa dulo ng daigdig. Sa kanila ay naglagay siya ng tolda para sa araw, na dumarating na gaya ng kasintahang lalaki na papalabas sa kanyang silid at nagagalak gaya ng malakas na tao na tumatakbo sa takbuhan. Ang kanyang pagsikat ay mula sa dulo ng mga langit, at sa mga dulo niyon ay ang kanyang pagligid, at walang bagay na nakukubli sa kanyang init. Ang kautusan ng PANGINOON ay sakdal, na nagpapanauli ng kaluluwa; ang patotoo ng PANGINOON ay tiyak, na nagpapatalino sa kulang sa kaalaman. Ang mga tuntunin ng PANGINOON ay matuwid, na nagpapagalak sa puso; ang utos ng PANGINOON ay dalisay, na nagpapaliwanag ng mga mata. Ang pagkatakot sa PANGINOON ay malinis, na nananatili magpakailanman: ang mga kahatulan ng PANGINOON ay totoo at lubos na makatuwiran. Higit na dapat silang naisin kaysa ginto, lalong higit kaysa maraming dalisay na ginto; higit ding matamis kaysa pulot at sa pulot-pukyutang tumutulo. Bukod dito'y binalaan ang iyong lingkod sa pamamagitan nila, sa pagsunod sa mga iyon ay may dakilang gantimpala. Sinong makakaalam ng kanyang mga kamalian? Patawarin mo ako sa mga pagkakamaling di nalalaman. Ilayo mo rin ang iyong lingkod sa mga mapangahas na pagkakasala. Huwag mong hayaang ang mga iyon ay magkaroon ng kapangyarihan sa akin! Kung gayo'y magiging matuwid ako, at magiging walang sala sa malaking paglabag. Nawa'y ang mga salita ng bibig ko, at ang pagbubulay-bulay ng aking puso ay maging katanggap-tanggap sa paningin mo, O PANGINOON, ang aking malaking bato at manunubos ko. Ang PANGINOON ay sumasagot sa iyo sa araw ng kaguluhan! Ang pangalan ng Diyos ni Jacob ang magtataas sa iyo! Nawa'y saklolohan ka niya mula sa santuwaryo, at alalayan ka mula sa Zion! Maalala nawa niya ang lahat mong mga handog, at tanggapin niya ang iyong mga handog na sinusunog! (Selah) Nawa'y ang nais ng iyong puso ay ipagkaloob niya sa iyo, at tuparin ang lahat ng mga panukala mo! Kami'y magagalak sa iyong pagliligtas, at sa pangalan ng aming Diyos ay aming itataas ang aming mga watawat! Ganapin nawa ng PANGINOON ang kahilingan mong lahat! Ngayo'y nalalaman ko na tutulungan ng PANGINOON ang kanyang pinahiran ng langis; sasagutin niya siya mula sa kanyang banal na langit na may makapangyarihang pagtatagumpay sa pamamagitan ng kanyang kanang kamay. Ipinagmamalaki ng ilan ang mga karwahe, at ang iba ay ang mga kabayo; ngunit ipinagmamalaki namin ang pangalan ng PANGINOON naming Diyos. Sila'y mabubuwal at guguho, ngunit kami ay titindig at matuwid na tatayo. Bigyan ng tagumpay ang hari, 0 PANGINOON, sagutin nawa kami kapag kami ay tumatawag. Ang hari ay nagagalak, O PANGINOON, sa iyong kalakasan, at sa iyong pagliligtas ay napakalaki ng kanyang kagalakan! Ang nais ng kanyang puso, sa kanya'y iyong ipinagkaloob, at ang hiling ng kanyang mga labi ay di mo ipinagdamot. (Selah) Sapagkat sinasalubong mo siya ng mabubuting pagpapala, pinuputungan mo siya ng koronang dalisay na ginto sa ulo niya. Siya'y humingi sa iyo ng buhay, sa kanya'y iyong ibinigay, haba ng mga araw magpakailanman. Sa pamamagitan ng iyong pagliligtas dakila ang kanyang kaluwalhatian, ipinagkakaloob mo sa kanya, karangalan at kamahalan. Oo, ginagawa mo siyang pinakamapalad magpakailanman; iyong pinasasaya siya ng kagalakan sa iyong harapan. Sapagkat ang hari ay nagtitiwala sa PANGINOON, at sa pamamagitan ng tapat na pag-ibig ng Kataas-taasan ay hindi siya matitinag. Matatagpuan ng iyong kamay ang lahat ng iyong mga kaaway; ang mga napopoot sa iyo'y masusumpungan ng iyong kanang kamay. Gagawin mo silang gaya ng mainit na pugon kapag ikaw ay lumitaw. Sasakmalin sila ng PANGINOON sa kanyang kagalitan; at sa apoy sila'y malulusaw. Pupuksain mo ang kanilang bunga mula sa mundo, at ang kanilang binhi ay mula sa mga anak ng mga tao. Kapag laban sa iyo sila'y magbalak ng kasamaan, kapag sila'y nagpakana ng masama, hindi sila magtatagumpay. Sapagkat iyong patatalikurin sila, iyong iaakma sa kanilang mga mukha ang iyong mga pana. Mataas ka, O PANGINOON, sa iyong kalakasan! Aming aawitin at pupurihin ang iyong kapangyarihan. Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan? Bakit napakalayo mo sa pagtulong sa akin, sa mga salita ng aking karaingan? O Diyos ko, sumisigaw ako kapag araw, ngunit hindi ka sumasagot man lamang, at kapag gabi, hindi ako makatagpo ng kapahingahan. Gayunman ikaw ay banal, nakaluklok sa mga papuri ng Israel. Sa iyo ang aming mga magulang ay nagtiwala, sila'y nagtiwala, at iyong iniligtas sila. Sa iyo sila'y dumaing at naligtas; sila'y nagtiwala sa iyo, at hindi nabigo. Ngunit ako'y uod at hindi tao, kinukutya ng mga tao, at hinahamak ng bayan. Silang lahat na nakakita sa akin ay tinatawanan ako; nginungusuan nila ako, iiling-iling ang kanilang mga ulo, "Ipinagkatiwala niya ang kanyang usapin sa PANGINOON; hayaang kanyang iligtas siya, hayaang kanyang sagipin siya, sapagkat kanyang kinaluluguran siya!" Ngunit ikaw ang kumuha sa akin mula sa bahay-bata; iningatan mo ako nang ako'y nasa dibdib ng aking ina. Sa iyo ako'y inilagak mula sa aking pagluwal, at mula nang ako'y ipagbuntis ng aking ina ang Diyos ko'y ikaw. Sa akin ay huwag kang lumayo, sapagkat malapit ang gulo, at walang sinumang sasaklolo. Pinaliligiran ako ng maraming toro, ng malalakas na toro ng Basan ay pinalilibutan ako. Sa akin ang kanilang bibig ay binuksan nila nang maluwang, gaya ng sumasakmal at leong umuungal. Ako'y ibinubuhos na parang tubig, at lahat ng aking mga buto ay nakakalas sa pagkakabit; ang aking puso ay parang pagkit, ito ay natutunaw sa loob ng aking dibdib. Ang aking kalakasan ay natuyo na parang basag na banga, at ang aking dila ay dumidikit sa aking ngala-ngala; sa alabok ng kamatayan ako'y iyong inihihiga. Oo, ang mga aso ay nakapaligid sa akin; pinaligiran ako ng isang pangkat ng mga gumagawa ng masama; binutasan nila ang aking mga kamay at mga paa. Lahat ng aking mga buto ay aking mabibilang, sa akin sila'y nakatingin at ako'y tinititigan. Kanilang pinaghatian ang aking mga kasuotan, at para sa aking damit sila ay nagsapalaran. Ngunit ikaw, O PANGINOON, huwag kang lumayo! O ikaw na aking saklolo, magmadali kang tulungan ako! Mula sa tabak, kaluluwa ko'y iligtas mo, ang aking buhay mula sa kapangyarihan ng aso! Mula sa bibig ng leon ako'y iyong iligtas, sagutin mo ako mula sa mga sungay ng torong mailap! Sa aking mga kapatid ay ipahahayag ko ang iyong pangalan, pupurihin kita sa gitna ng kapulungan: Kayong natatakot sa PANGINOON, magpuri kayo sa kanya! Kayong lahat na binhi ni Jacob, luwalhatiin ninyo siya, at magsitayong may paggalang sa kanya, kayong lahat na mga anak ni Israel. Sapagkat hindi niya hinamak o kinapootan man ang kadalamhatian ng nagdadalamhati; at hindi niya ikinubli ang kanyang mukha sa kanya; kundi pinakinggan nang siya'y dumaing sa kanya. Sa iyo nanggagaling ang aking papuri sa dakilang kapulungan; tutuparin ko ang aking mga panata sa harapan ng mga sa kanya'y gumagalang. Ang dukha ay kakain at masisiyahan, yaong mga humanap sa kanya ay magpupuri sa PANGINOON! Mabuhay nawa ang inyong mga puso magpakailanman. Maaalala ng lahat ng mga dulong lupa, at sa PANGINOON ay manunumbalik sila; at lahat ng mga sambahayan ng mga bansa ay sa harapan mo magsisamba. Sapagkat sa PANGINOON ang kaharian, at siya ang namumuno sa mga bansa. Oo, sa kanya ang lahat ng masasagana sa lupa ay kakain at sasamba; sa harapan niya ay yumuyukod ang lahat ng bumabalik sa alabok, at siya na hindi mapapanatiling buhay ang kanyang kaluluwa, Ang susunod na salinlahi sa kanya ay magsisilbi, ang Panginoon ay ibabalita ng mga tao sa darating na salinlahi. Sila'y darating at maghahayag ng kanyang katuwiran sa isang bayang isisilang, na dito ay siya ang may kagagawan. Ang PANGINOON ay aking pastol; hindi ako magkukulang; pinahihiga niya ako sa luntiang pastulan, inaakay niya ako sa tabi ng mga tubig na pahingahan. Pinanunumbalik niya ang aking kaluluwa. Inaakay niya ako sa mga landas ng katuwiran alang-alang sa kanyang pangalan. Bagaman ako'y lumakad sa libis ng lilim ng kamatayan, wala akong katatakutang kasamaan; sapagkat ikaw ay kasama ko, ang iyong pamalo at ang iyong tungkod, inaaliw ako ng mga ito. Ipinaghahanda mo ako ng hapag sa harapan ng aking mga kaaway; iyong binuhusan ng langis ang aking ulo, umaapaw ang aking saro. Tiyak na ang kabutihan at kaawaan ay susunod sa akin sa lahat ng mga araw ng aking buhay; at ako'y maninirahan sa bahay ng PANGINOON magpakailanman. Ang lupa ay sa PANGINOON at ang lahat ng narito; ang sanlibutan, at silang naninirahan dito; sapagkat itinatag niya ito sa ibabaw ng mga dagat, at itinayo sa ibabaw ng mga ilog. Sinong aakyat sa bundok ng PANGINOON? At sinong tatayo sa kanyang dakong banal? Siyang may malilinis na kamay at may pusong dalisay, na hindi nagtataas ng kanyang kaluluwa sa hindi totoo, at hindi sumusumpa na may panlilinlang. Mula sa PANGINOON, pagpapala'y kanyang kakamtan, at pagwawalang-sala mula sa Diyos ng kanyang kaligtasan. Gayon ang salinlahi ng mga nagsisihanap sa kanya, na nagsisihanap ng mukha ng Diyos ni Jacob. (Selah) Itaas ninyo ang inyong mga ulo, O kayong mga tarangkahan! at kayo'y mataas, kayong matatandang pintuan! upang makapasok ang Hari ng kaluwalhatian. Sino ang Hari ng kaluwalhatian? Ang PANGINOON, malakas at makapangyarihan, ang PANGINOON, makapangyarihan sa pakikipaglaban. Itaas ninyo ang inyong mga ulo, O kayong mga tarangkahan! at itaas kayo, kayong matatandang pintuan! upang makapasok ang Hari ng kaluwalhatian. Sino itong Hari ng kaluwalhatian? Ang PANGINOON ng mga hukbo, siya ang Hari ng kaluwalhatian! (Selah) Sa iyo, PANGINOON, itinataas ko ang aking kaluluwa. O Diyos ko, sa iyo ako nagtitiwala, huwag nawa akong mapahiya; ang aking mga kaaway, sa akin ay huwag nawang magkatuwa. Oo, huwag nawang mapahiya ang lahat ng sa iyo'y naghihintay, mapahiya nawa ang mga gumagawa ng kataksilan nang walang dahilan. Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O PANGINOON; ituro mo sa akin ang iyong mga landas. Akayin mo ako sa iyong katotohanan, ako'y iyong turuan, sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan; sa iyo'y naghihintay ako nang buong araw. Alalahanin mo, O PANGINOON, ang iyong kahabagan, at ang iyong tapat na pag-ibig, sapagkat ang mga iyon ay mula pa nang unang kapanahunan. Huwag mong alalahanin ang mga kasalanan ng aking kabataan, ni ang aking mga pagsuway; ayon sa iyong wagas na pag-ibig ay alalahanin mo ako, O PANGINOON, alang-alang sa iyong kabutihan! Ang PANGINOON ay mabuti at makatarungan, kaya't tinuturuan niya ang mga makasalanan tungkol sa daan. Pinapatnubayan niya ang mapagpakumbaba tungkol sa katuwiran, at itinuturo sa mapagpakumbaba ang kanyang daan. Lahat ng landas ng PANGINOON ay wagas na pag-ibig at katapatan, para sa mga nag-iingat ng kanyang mga patotoo at kanyang tipan. Alang-alang sa iyong pangalan, O PANGINOON, ipagpatawad mo ang aking kasalanan, sapagkat ito ay malaking tunay. Sino ang taong natatakot sa PANGlNOON? Siya ang tuturuan niya sa daan na dapat niyang piliin. Siya mismo ay mananahan sa kasaganaan, at aangkinin ng kanyang mga anak ang lupain. Ang pakikipagkaibigan ng PANGINOON ay para sa mga natatakot sa kanya, at ang kanyang tipan ay ipinaaalam niya sa kanila. Palaging nasa PANGINOON ang aking mga mata, sapagkat mula sa lambat ay hihilahin niya ang aking mga paa. Manumbalik ka sa akin, at ako'y kahabagan, sapagkat ako'y nalulungkot at nahihirapan. Kabagabagan ng aking puso ay iyong pawiin, at sa aking kapanglawan ako ay hanguin. Isaalang-alang mo ang aking kapighatian at kaguluhan, at patawarin mo ang lahat kong mga kasalanan. Isaalang-alang mo kung gaano karami ang aking mga kaaway, at kung anong marahas na poot, ako'y kanilang kinamumuhian. O bantayan mo ang aking buhay, at iligtas mo ako; huwag nawa akong ipahiya, sapagkat nanganganlong ako sa iyo. Nawa'y maingatan ako ng katapatan at katuwiran, sapagkat sa iyo ako'y naghihintay. Tubusin mo ang Israel, O Diyos, mula sa lahat ng kanyang kabalisahan. Pawalang-sala mo ako, O PANGINOON, sapagkat ako'y lumakad sa aking katapatan, at ako'y nagtiwala sa PANGINOON nang walang pag-aalinlangan. Siyasatin mo ako, O PANGINOON, at ako'y subukin, ang aking puso at isipan ay iyong suriin. Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay nasa harapan ng aking mga mata, at ako'y lumalakad na may katapatan sa iyo. Hindi ako umuupong kasama ng mga sinungaling na tao; ni sa mga mapagkunwari ay nakikisama ako. Kinapopootan ko ang pangkat ng mga gumagawa ng kasamaan, at hindi ako uupong kasama ng tampalasan. Hinuhugasan ko ang aking mga kamay sa kawalang-sala; at magtutungo ako, O PANGINOON, sa iyong dambana, na umaawit nang malakas ng awit ng pasasalamat, at ang iyong kahanga-hangang mga gawa ay ibinabalitang lahat. O PANGINOON, mahal ko ang bahay na iyong tinatahanan at ang dakong tinatahanan ng iyong kaluwalhatian. Huwag mong kunin ang aking kaluluwa kasama ng mga makasalanan, ni ang aking buhay na kasama ng mga taong sa dugo ay uhaw, mga taong masasamang gawa ang nasa kanilang mga kamay, na ang kanilang kanang kamay ay puno ng mga lagay. Ngunit sa ganang akin ay lalakad ako sa aking katapatan; tubusin mo ako, at kahabagan. Sa isang patag na lupa ang paa ko'y nakatuntong, sa malaking kapulungan ay pupurihin ko ang PANGINOON. Ang PANGINOON ay aking liwanag at aking kaligtasan; sino ang aking katatakutan? Ang PANGINOON ay muog ng aking buhay; sino ang aking kasisindakan? Nang dumating sa akin ang mga manggagawa ng kasamaan, upang lamunin ang aking laman, ang aking mga kaaway at aking mga kalaban, sila'y matitisod at mabubuwal. Bagaman magkampo laban sa akin ang isang hukbo, hindi matatakot ang aking puso; bagaman magbangon ang digmaan laban sa akin, gayunman ako'y magtitiwala pa rin. Isang bagay ang hiningi ko sa PANGINOON, na aking hahanapin; na ako'y makapanirahan sa bahay ng PANGINOON, sa lahat ng mga araw ng aking buhay, upang mamasdan ang kagandahan ng PANGINOON, at sumangguni sa kanyang templo. Sapagkat ako'y ikukubli niya sa kanyang kanlungan sa araw ng kaguluhan sa ilalim ng kanyang tolda ako'y kanyang itatago, at itataas niya ako sa ibabaw ng isang malaking bato. At ngayo'y itataas ang aking ulo sa aking mga kaaway sa palibot ko; at ako'y maghahandog sa kanyang tolda ng mga alay na may sigaw ng pagsasaya. Ako'y aawit, Oo, ako'y aawit ng mga papuri sa PANGINOON. Dinggin mo kapag ako'y sumisigaw ng aking tinig, O PANGINOON, kaawaan mo ako at sa akin ay tumugon. Sinabi mo, "Hanapin ninyo ang aking mukha;" sabi ng aking puso sa iyo, "Ang iyong mukha, PANGINOON, ay aking hinahanap." Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin. Sa galit, ang iyong lingkod ay huwag mong paalisin, ikaw na naging saklolo sa akin. Huwag mo akong itakuwil, huwag mo akong pabayaan, O Diyos ng aking kaligtasan! Sapagkat pinabayaan na ako ng aking ama at ina, gayunma'y ibabangon ako ng PANGINOON. Ituro mo sa akin, O PANGINOON, ang iyong daan, akayin mo ako sa patag na landas dahil sa aking mga kaaway. Huwag mo akong ibigay sa kalooban ng aking mga kaaway; sapagkat mga sinungaling na saksi laban sa akin ay nagbangon, at sila'y nagbubuga ng karahasan. Ako'y naniniwala na aking masasaksihan ang kabutihan ng PANGINOON sa lupain ng mga nabubuhay! Maghintay ka sa PANGINOON; magpakalakas ka at magpakatapang ang iyong puso; Oo, maghintay ka sa PANGINOON! Sa iyo, O PANGINOON, ako'y nananawagan, aking malaking bato, sa aki'y huwag magbingibingihan, baka kung ikaw sa akin ay tumahimik lamang, ako'y maging gaya nila na bumababa sa Hukay. Pakinggan mo ang tinig ng aking karaingan, habang ako'y dumaraing ng tulong sa iyo, habang aking itinataas ang aking mga kamay sa dako ng kabanal-banalang santuwaryo. Huwag mo akong agawing kasama ng masasama, na kasama ng mga taong kasamaan ang ginagawa, na nagsasalita ng kapayapaan sa kanilang mga kapwa, gayong ang nasa kanilang mga puso ay masamang pakana. Ayon sa kanilang gawa, sila'y iyong pagbayarin, at ayon sa kasamaan ng kanilang mga gawain. Gantihan mo sila ng ayon sa gawa ng kanilang mga kamay; ang karampatang ganti sa kanila'y ibigay. Sapagkat ang mga gawa ng PANGINOON, ay hindi nila pinapahalagahan, ni ang mga gawa ng kanyang mga kamay, kanyang ibabagsak sila at hindi na sila itatayo kailanman. Ang PANGINOON ay purihin! Sapagkat narinig niya ang tinig ng aking mga daing. Ang PANGINOON ang aking lakas at aking kalasag; sa kanya ang aking puso ay nagtitiwala, kaya't ako'y natutulungan, at ang aking puso ay nagagalak, at sa pamamagitan ng aking awit ako sa kanya'y nagpapasalamat. Ang PANGINOON ang lakas ng kanyang bayan, siya ang nagliligtas na kanlungan ng kanyang pinahiran. Iligtas mo ang iyong bayan, at ang iyong pamana ay basbasan, maging pastol ka nila, at buhatin mo sila magpakailanman. Mag-ukol kayo sa PANGINOON, O mga anak ng makapangyarihan, mag-ukol kayo sa PANGINOON ng kaluwalhatian at kalakasan. Iukol ninyo sa PANGINOON ang kaluwalhatian na nararapat sa kanyang pangalan; sambahin ninyo ang PANGINOON sa banal na kagayakan. Ang tinig ng PANGINOON ay nasa ibabaw ng mga tubig; ang Diyos ng kaluwalhatian ay kumukulog, ang PANGINOON, sa ibabaw ng maraming tubig. Ang tinig ng PANGINOON ay makapangyarihan, ang tinig ng PANGINOON ay puspos ng kadakilaan. Ang tinig ng PANGINOON ay bumabali ng mga sedro; binabali ng PANGINOON ang mga sedro ng Lebanon. Kanyang pinalulukso ang Lebanon na gaya ng guya, at ang Sirion na gaya ng mailap na guyang baka. Ang tinig ng PANGINOON ay nagpapasiklab ng mga ningas ng apoy. Niyayanig ng tinig ng PANGINOON ang ilang, niyayanig ng PANGINOON ang ilang ng Kadesh. Pinaaanak ng tinig ng PANGINOON ang mga usa, at hinuhubaran ang mga gubat; at ang lahat sa kanyang templo ay nagsasabi, "Kaluwalhatian!" Ang PANGINOON ay nakaupo sa trono sa ibabaw ng baha; ang PANGINOON ay nakaluklok bilang hari magpakailanman. Ang PANGINOON nawa ay magbigay ng lakas sa kanyang bayan! Basbasan nawa ng PANGINOON ang kanyang bayan ng kapayapaan! Dadakilain kita, O PANGINOON, sapagkat ako'y iyong iniahon, at hindi hinayaang ako'y pagtawanan, ng aking mga kaaway. O PANGINOON kong Diyos, humingi ako sa iyo ng saklolo, at ako ay pinagaling mo. O PANGINOON, kaluluwa ko'y iniahon mula sa Sheol, iyong iningatan akong buhay upang huwag akong bumaba sa Hukay. Magsiawit kayo ng papuri sa PANGINOON, kayong kanyang mga banal, at magpasalamat kayo sa kanyang banal na pangalan. Sapagkat ang kanyang galit ay sandali lamang, at ang kanyang paglingap ay panghabang buhay. Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak, ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak. Tungkol sa akin, sinabi ko sa panahon ng aking kasaganaan, "Hindi ako matitinag kailanman." Sa pamamagitan ng iyong paglingap, O PANGINOON, ginawa mong matibay ang aking bundok; ikinubli mo ang iyong mukha, ako ay natakot. Ako'y dumaing sa iyo, O PANGINOON; at sa PANGINOON ay nanawagan ako: "Anong pakinabang mayroon sa aking dugo, kung ako'y bumaba sa Hukay? Pupurihin ka ba ng alabok? Isasaysay ba nito ang iyong katapatan? O PANGINOON, sa aki'y maawa ka, pakinggan mo ako! PANGINOON, nawa'y tulungan mo ako." Iyong ginawang sayaw para sa akin ang pagtangis ko; hinubad mo ang aking damit-sako, at binigkisan mo ako ng kagalakan, upang luwalhatiin ka ng aking kaluluwa at huwag manahimik. O PANGINOON kong Diyos, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman. Sa iyo, O PANGINOON, ako'y humahanap ng kanlungan; huwag mong hayaang ako'y mapahiya kailanman; iligtas mo ako sa pamamagitan ng iyong katuwiran! Ikiling mo ang iyong pandinig sa akin; iligtas mo ako agad! Maging batong kanlungan ka nawa sa akin, isang matibay na muog upang ako'y iligtas. Oo, ikaw ang aking malaking bato at aking tanggulan; alang-alang sa iyong pangalan ako'y iyong akayin at patnubayan. Alisin mo ako sa bitag na kanilang lihim na inilagay para sa akin; sapagkat ikaw ang aking kalakasan. Sa iyong kamay ay ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu, O PANGINOON, tapat na Diyos, tinubos mo ako. Kinapopootan ko ang mga nagpapahalaga sa mga walang kabuluhang diyus-diyosan, ngunit nagtitiwala ako sa PANGINOON. Ako'y matutuwa at magagalak dahil sa iyong tapat na pag-ibig, sapagkat nakita mo ang aking kapighatian, iyong binigyang-pansin ang aking mga kahirapan, at hindi mo ako ibinigay sa kamay ng kaaway; inilagay mo ang aking mga paa sa dakong malawak. Maawa ka sa akin, O PANGINOON, sapagkat ako'y nasa kahirapan; ang aking mata ay namumugto dahil sa kapanglawan, gayundin ang aking kaluluwa at katawan. Sapagkat ang aking buhay ay pagod na sa lungkot, at ang aking mga taon sa paghihimutok; dahil sa aking kasalanan, lakas ko'y nauubos, at ang aking mga buto ay nanghihina. Sa lahat kong mga kaaway, ako ang tampulan ng pagkutya, lalung-lalo na sa aking mga kapwa, sa aking mga kakilala ay bagay na kinasisindakan, yaong mga nakakakita sa akin sa lansangan sa aki'y naglalayuan. Ako'y lumipas na sa isip gaya ng isang patay; ako'y naging gaya ng isang basag na sisidlan. Oo, aking naririnig ang bulungan ng marami — kakilabutan sa bawat panig! — habang sila'y magkakasamang nagpapanukala laban sa akin, habang sila'y nagsasabwatan upang buhay ko'y kunin. Ngunit nagtitiwala ako sa iyo, O PANGINOON, sinasabi ko, "Ikaw ang aking Diyos." Ang aking mga panahon ay nasa iyong kamay; iligtas mo ako sa mga umuusig sa akin at sa kamay ng aking mga kaaway! Sa iyong lingkod, mukha mo nawa'y magliwanag, iligtas mo ako ng iyong pag-ibig na tapat! Huwag mong hayaang malagay ako sa kahihiyan, O PANGINOON, sapagkat sa iyo ako'y nananawagan, hayaang malagay ang masasama sa kahihiyan, na magsitahimik nawa sila sa Sheol. Mapipi nawa ang mga sinungaling na labi, na walang pakundangang nagsasalita laban sa matuwid nang may kapalaluan at paglait. O napakasagana ng kabutihan mo, na iyong inilaan para sa mga natatakot sa iyo, at ginawa para doon sa nanganganlong sa iyo, sa lihim na dako ng iyong harapan, sila'y iyong ikubli! Sa iyong harapan ay palihim mo silang ikinubli sa mga banta ng mga tao; ligtas mo silang iniingatan sa lilim ng iyong tirahan mula sa palaaway na mga dila. Purihin ang PANGINOON, sapagkat kahanga-hanga niyang ipinakita sa akin ang kanyang kagandahang-loob sa isang lunsod na nakubkob. Tungkol sa akin, sa pagkatakot ay aking sinabi, "Ako ay inilayo mula sa iyong paningin." Gayunma'y pinakinggan mo ang mga tinig ng aking mga daing, nang ako'y dumaing sa iyo. Ibigin ninyo ang PANGINOON, kayong lahat niyang mga banal! Iniingatan ng PANGINOON ang tapat, ngunit lubos niyang ginagantihan ang gumagawa na may kapalaluan. Kayo'y magpakalakas, at magpakatapang ang inyong puso, kayong lahat na umaasa sa PANGINOON! Mapalad siya na pinatawad ang pagsuway, na ang kasalanan ay tinakpan. Mapalad ang tao na hindi pinaparatangan ng kasamaan ng PANGINOON, at sa kanyang espiritu ay walang pandaraya. Nang hindi ko ipinahayag ang aking kasalanan, nanghina ang aking katawan sa pamamagitan ng aking pagdaing sa buong araw. Sa araw at gabi ay mabigat sa akin ang iyong kamay, ang aking lakas ay natuyong gaya ng sa init ng tag-araw. (Selah) Kinilala ko ang aking kasalanan sa iyo, at hindi ko ikinubli ang aking kasamaan; aking sinabi, "Ipahahayag ko ang aking paglabag sa PANGINOON;" at iyong ipinatawad ang bigat ng aking kasalanan. (Selah) Kaya't ang bawat isang banal ay manalangin sa iyo; sa panahong matatagpuan ka, tunay na sa pagragasa ng malaking tubig, siya'y hindi nila aabutan. Ikaw ay aking dakong kublihan; iniingatan mo ako sa kaguluhan; pinalibutan mo ako ng mga awit ng kaligtasan. (Selah) Aking ipapaalam at ituturo sa iyo ang daan na dapat mong lakaran. Papayuhan kita na ang aking mga mata ay nakatitig sa iyo. Huwag kayong maging gaya ng kabayo o ng mola na walang unawa, na ang gayak ay may busal at pamingkaw upang sila'y pigilin na kung wala ito, sila'y hindi lalapit sa iyo. Marami ang paghihirap ng masasama; ngunit tapat na pag-ibig ay nakapalibot sa kanya na sa PANGINOON ay nagtitiwala. Magsaya kayo sa PANGINOON, at magalak kayong matutuwid, at sumigaw sa kagalakan, kayong lahat na matutuwid sa puso! Magalak kayo sa PANGINOON, O kayong matutuwid. Ang pagpupuri ay nababagay sa matuwid. Purihin ninyo ang PANGINOON sa pamamagitan ng lira, gumawa kayo ng himig sa kanya sa may sampung kuwerdas na alpa! Awitan ninyo siya ng bagong awit; tumugtog na may kahusayan sa mga kuwerdas, na may sigaw na malalakas. Sapagkat ang salita ng PANGINOON ay makatuwiran, at lahat niyang mga gawa ay ginawa sa katapatan. Ang katuwiran at katarungan ay kanyang iniibig, puno ng tapat na pag-ibig ng PANGINOON ang daigdig. Sa pamamagitan ng salita ng PANGINOON ay ginawa ang mga langit; at lahat ng mga hukbo nila sa pamamagitan ng hinga ng kanyang bibig. Kanyang tinipon ang mga tubig ng dagat na gaya sa isang bunton; inilagay niya ang mga kalaliman sa mga imbakan. Matakot nawa sa PANGINOON ang sandaigdigan, magsitayo nawang may paggalang sa kanya ang lahat ng naninirahan sa sanlibutan! Sapagkat siya'y nagsalita at iyon ay naganap, siya'y nag-utos, at iyon ay tumayong matatag. Dinadala ng PANGINOON sa wala ang payo ng mga bansa; kanyang binibigo ang mga panukala ng mga bayan. Ang payo ng PANGINOON kailanman ay nananatili, ang mga iniisip ng kanyang puso sa lahat ng salinlahi. Mapalad ang bansa na ang Diyos ay ang PANGINOON; ang bayan na kanyang pinili bilang kanyang mana! Mula sa langit ang PANGINOON ay nakatanaw, lahat ng anak ng mga tao ay kanyang minamasdan. Mula sa kanyang dakong tahanan ay nakatingin siya sa lahat ng naninirahan sa lupa, siya na sa mga puso nilang lahat ay humuhugis, at sa lahat nilang mga gawa ay nagmamasid. Ang isang hari ay hindi inililigtas ng kanyang napakaraming kawal; ang isang mandirigma ay hindi inililigtas ng kanyang makapangyarihang lakas. Ang kabayong pandigma ay walang kabuluhang pag-asa para sa tagumpay, at hindi ito makapagliligtas sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang lakas. Tunay na ang mata ng PANGINOON ay nasa kanila na natatakot sa kanya, sa kanila na umaasa sa tapat na pag-ibig niya, upang kanyang mailigtas ang kaluluwa nila mula sa kamatayan, at sa taggutom ay panatilihin silang buhay. Naghihintay sa PANGINOON ang aming kaluluwa; siya ang aming saklolo at panangga. Oo, ang aming puso ay nagagalak sa kanya, sapagkat kami ay nagtitiwala sa banal na pangalan niya. Sumaamin nawa ang iyong tapat na pag-ibig, O PANGINOON, kung paanong kami ay umaasa sa iyo. Pupurihin ko ang PANGINOON sa lahat ng panahon; ang pagpuri sa kanya ay sasaaking bibig nang patuloy. Nagmamapuri sa PANGINOON ang aking kaluluwa, marinig nawa ng mapagpakumbaba at magsaya. O kasama kong dakilain ninyo ang PANGINOON, at magkasama nating itaas ang kanyang pangalan! Hinanap ko ang PANGINOON, at ako'y kanyang sinagot, at iniligtas niya ako sa lahat ng aking mga takot. Sila'y tumingin sa kanya, at naging makinang, at ang kanilang mga mukha ay hindi mapapahiya kailanman. Ang abang taong ito ay dumaing, at ang PANGINOON sa kanya'y nakinig, at iniligtas siya sa lahat niyang mga ligalig. Ang anghel ng PANGINOON ay nagbabantay sa palibot ng mga natatakot sa kanya, at inililigtas sila. O inyong subukan at tingnan na mabuti ang PANGINOON! Maligaya ang tao na sa kanya'y nanganganlong. O matakot kayo sa PANGINOON, kayong kanyang mga banal, sapagkat ang mga natatakot sa kanya ay hindi magkukulang! Ang mga batang leon ay nagkukulang at nagugutom; ngunit silang humahanap sa PANGINOON sa mabuting bagay ay hindi nagsasalat. Halikayo, mga anak, pakinggan ninyo ako, ang takot sa PANGINOON ay ituturo ko sa inyo. Sinong tao ang nagnanasa ng buhay, at naghahangad ng maraming araw, upang magtamasa ng mabuti? Ingatan mo ang iyong dila mula sa masama, at ang iyong mga labi sa pagsasalita ng pandaraya. Lumayo ka sa kasamaan, at ang mabuti'y iyong gawin; hanapin mo ang kapayapaan at ito'y iyong habulin. Ang mga mata ng PANGINOON ay sa matuwid nakatitig, at sa kanilang daing, bukas ang kanyang pandinig. Ang mukha ng PANGINOON ay laban sa mga gumagawa ng masama, upang tanggalin ang alaala nila sa lupa. Kapag ang matuwid ay humingi ng saklolo, ang PANGINOON ay nakikinig, at inililigtas sila sa lahat nilang mga gulo. Ang PANGINOON ay malapit sa may pusong wasak, at inililigtas ang mga may bagbag na diwa. Marami ang kapighatian ng matuwid; ngunit inililigtas siya ng PANGINOON sa lahat ng mga iyon. Lahat nitong mga buto ay iniingatan niya, sa mga iyon ay hindi nababali ni isa. Ang masama ay papatayin ng kasamaan, at ang mga napopoot sa matuwid ay hahatulan. Tinutubos ng PANGINOON ang buhay ng mga lingkod niya; walang hahatulan sa sinumang nanganganlong sa kanya. Makipagtunggali ka, O PANGINOON, sa kanila na nakikipagtunggali sa akin; lumaban ka sa kanila na lumalaban sa akin. Humawak ka ng kalasag at ng panangga, at sa pagtulong sa akin ay tumindig ka! Ihagis mo ang sibat at diyabelin laban sa mga nagsisihabol sa akin! Sabihin mo sa aking kaluluwa, "Ako'y iyong kaligtasan!" Mapahiya nawa at mawalan ng dangal sila na umuusig sa aking buhay! Nawa'y mapaurong at malito sila na laban sa akin ay nagbabalak na masama! Maging gaya nawa sila ng ipa sa harapan ng hangin, na ang anghel ng PANGINOON ang nagtataboy sa kanila! Nawa'y maging madilim at madulas ang daan nila, na ang anghel ng PANGINOON ang humahabol sa kanila! Sapagkat walang kadahilanang ikinubli nila ang kanilang bitag na sa akin ay laan, walang kadahilanang naghukay sila para sa aking buhay. Dumating nawa sa kanila nang di namamalayan ang kapahamakan! At ang patibong na ikinubli nila ang sa kanila'y bumitag; mahulog nawa sila doon upang mapahamak! Kung gayo'y sa PANGINOON magagalak ang aking kaluluwa, na sa kanyang pagliligtas ay nagpapasaya. Lahat ng aking mga buto ay magsasabi, "PANGINOON, sino ang iyong kagaya? Ikaw na nagliligtas ng mahina mula sa kanya na totoong malakas kaysa kanya, ang mahina at nangangailangan mula sa nanamsam sa kanya? Mga saksing may masamang hangarin ay nagtatayuan; tinatanong nila ako ng mga bagay na di ko nalalaman. Sa aking kabutihan, iginanti ay kasamaan, ang aking kaluluwa ay namamanglaw. Ngunit ako, nang sila'y may sakit, ay nagsuot ako ng damit-sako; dinalamhati ko ang aking sarili ng pag-aayuno. Sa dibdib ko'y nanalanging nakayuko ang ulo, ako'y lumakad na tila baga iyon ay aking kaibigan o kapatid, ako'y humayong gaya ng tumatangis sa kanyang ina na nakayukong nagluluksa. Ngunit sa aking pagkatisod, sila'y nagtipon na natutuwa, sila'y nagtipun-tipon laban sa akin, mga mambubugbog na hindi ko kilala ang walang hintong nanlait sa akin. Gaya ng mga walang diyos na nanunuya sa pista, kanilang pinagngangalit sa akin ang mga ngipin nila. Hanggang kailan ka titingin, O PANGINOON? Iligtas mo ang aking kaluluwa sa kanilang mga pagpinsala, ang aking buhay mula sa mga leon! At ako'y magpapasalamat sa iyo sa dakilang kapulungan; sa gitna ng napakaraming tao kita'y papupurihan. Huwag nawang magalak sa akin yaong sinungaling kong mga kaaway; at huwag nawang ikindat ang mata ng mga napopoot sa akin nang walang kadahilanan. Sapagkat sila'y hindi nagsasalita ng kapayapaan, kundi laban doon sa mga tahimik sa lupain ay kumakatha sila ng mga salita ng kabulaanan. Kanilang ibinubuka nang maluwang ang bibig nila laban sa akin; kanilang sinasabi: "Aha, aha, nakita iyon ng mga mata namin!" Iyong nakita ito, O PANGINOON; huwag kang tumahimik, O Panginoon, huwag kang lumayo sa akin! Kumilos ka, at gumising ka para sa aking karapatan, Diyos ko at Panginoon ko, para sa aking ipinaglalaban! Ipagtanggol mo ako, O PANGINOON, aking Diyos, ayon sa iyong katuwiran; at dahil sa akin huwag mo silang hayaang magkatuwaan! Huwag mo silang hayaang magsabi sa sarili nila, "Aha, iyan ang aming kagustuhan!" Huwag silang hayaang magsabi, "Aming nalulon nasiya." Mapahiya nawa sila at malitong magkakasama silang nagagalak sa aking kapahamakan! Madamitan nawa sila ng kahihiyan at kawalang-dangal silang laban sa akin ay nagyayabang! Silang nagnanais na ako'y mapawalang-sala ay sumigaw sa kagalakan at magsaya, at sa tuwina'y sabihin, "Dakila ang PANGINOON, na nalulugod sa kapakanan ng kanyang lingkod!" Kung gayo'y isasaysay ng aking dila ang iyong katuwiran at ang iyong kapurihan sa buong araw. Ang pagsuway ay nagsasalita ng malalim sa puso ng masama; walang pagkatakot sa Diyos sa kanyang mga mata. apagkat pinupuri niya ang sarili sa sarili niyang mga mata, na hindi matatagpuan at kasusuklaman ang kasamaan niya. Ang mga salita ng kanyang bibig ay kasamaan at pandaraya, sa pagkilos na may katalinuhan at sa paggawa ng mabuti ay huminto na siya. Siya'y nagbabalak ng kasamaan habang nasa kanyang higaan; inilalagay niya ang sarili sa hindi mabuting daan; ang kasamaan ay hindi niya pinakaiiwasan. Ang iyong tapat na pag-ibig, O PANGINOON, ay abot hanggang sa kalangitan, hanggang sa mga ulap ang iyong katapatan. Gaya ng mga bundok hg Diyos ang iyong katuwiran, ang iyong mga kahatulan ay gaya ng dakilang kalaliman; O PANGINOON, inililigtas mo ang tao at hayop man. Napakahalaga, O Diyos, ng iyong pag-ibig na tapat! Ang mga anak ng mga tao ay nanganganlong sa lilim ng iyong mga pakpak. Sila'y nagpapakabusog sa kasaganaan ng iyong bahay; at binibigyan mo sila ng inumin mula sa ilog ng iyong kasiyahan. Sapagkat nasa iyo ang bukal ng buhay; sa iyong ilaw nakakakita kami ng liwanag. O ipagpatuloy mo ang iyong tapat na pag-ibig sa mga nakakakilala sa iyo, at ang iyong pagliligtas sa may matuwid na puso! Huwag nawang dumating sa akin ang paa ng kapalaluan, ni ng kamay ng masama ako'y ipagtabuyan. Doon ang mga gumagawa ng kasamaan ay nakasubsob, sila'y nakalugmok, at hindi na kayang bumangon. Huwag kang mabalisa dahil sa masasama, huwag kang managhili sa mga masama ang gawa! Sapagkat gaya ng damo sila'y dagling maglalaho, at gaya ng luntiang halaman, sila'y matutuyo. Magtiwala ka sa PANGINOON, at gumawa ka ng kabutihan; upang ikaw ay makapanirahan sa lupain at magtamasa ng katiwasayan. Sa PANGINOON ikaw ay magpakaligaya, at ang mga nasa ng iyong puso sa iyo'y ibibigay niya. Ipagkatiwala mo ang iyong lakad sa PANGINOON; magtiwala ka sa kanya, at siya'y gagawa. Ang iyong pagiging walang-sala ay pakikinangin niyang gaya ng liwanag, at ang iyong pagiging matuwid na gaya ng katanghaliang-tapat. Ikaw ay manahimik sa PANGINOON, at matiyaga kang maghintay sa kanya: huwag kang mabalisa sa gumiginhawa sa lakad niya, dahil sa taong nagsasagawa ng masamang pakana. Iwasan mo ang pagkagalit, at ang poot ay iyong talikdan! Huwag kang maghimutok, ito'y maghahatid lamang sa kasamaan. Sapagkat ang masasama ay tatanggalin; ngunit ang naghihintay sa PANGINOON ay magmamana ng lupain. Gayunma'y sandali na lamang, at ang masama ay mawawala na; kahit tingnan mong mabuti ang kanyang lugar, siya ay wala roon. Ngunit mamanahin ng maaamo ang lupain, at masisiyahan ang kanilang sarili sa lubos na kasaganaan. Ang masama ay nagpapakana laban sa matuwid, at ang mga ngipin nito sa kanya'y pinagngangalit; ngunit pinagtatawanan ng PANGINOON ang masama, sapagkat kanyang nakikita na dumarating ang araw niya. Hinuhugot ng masama ang tabak at ang kanilang mga pana ay iniaakma, upang ang dukha at nangangailangan ay pabagsakin, upang ang mga lumalakad nang matuwid ay patayin; ang kanilang tabak ay tatarak sa sariling puso nila, at mababali ang kanilang mga pana. Mas mainam ang kaunti na mayroon ang matuwid na tao, kaysa kasaganaan ng maraming taong lilo. Sapagkat ang mga bisig ng masasama ay mababali; ngunit inaalalayan ng PANGINOON ang matuwid. Nalalaman ng PANGINOON ang mga araw ng mga walang kapintasan, at ang kanilang mana ay mananatili magpakailanman. Hindi sila mapapahiya sa panahon ng kasamaan; sa mga araw ng taggutom ay mayroon silang kasaganaan. Ngunit ang masama ay mamamatay, ang mga kaaway ng PANGINOON ay gaya ng luwalhati ng mga pastulan, sila'y nawawala — gaya ng usok sila'y napaparam. Ang masama ay humihiram, at hindi makapagbayad, ngunit ang matuwid ay bukas-palad at nagbibigay; sapagkat ang mga pinagpala ng PANGINOON ay magmamana ng lupain; ngunit ang mga sinumpa niya ay tatanggalin. Ang mga lakad ng isang tao ay ang PANGINOON ang nagtatatag; at siya'y nasisiyahan sa kanyang lakad; bagaman siya'y mahulog, hindi siya lubos na mabubuwal, sapagkat ang PANGINOON ang aalalay sa kanyang kamay. Ako'y naging bata, at ngayo'y matanda na; gayunma'y hindi ko nakita na ang matuwid ay pinabayaan, ni ang kanyang mga anak ay namamalimos ng tinapay. Siya ay laging mapagbigay at nagpapahiram; at ang kanyang mga anak ay nagiging pagpapala. Lumayo ka sa masama at gumawa ka ng mabuti; upang sa magpakailanman ikaw ay manatili. Sapagkat iniibig ng PANGINOON ang katarungan, hindi niya pababayaan ang kanyang mga banal. Sila'y iingatan magpakailanman, ngunit ang mga anak ng masama ay ititiwalag. Mamanahin ng matuwid ang lupain, at maninirahan doon magpakailanman. Ang bibig ng matuwid ay nangungusap ng karunungan, at ang kanyang dila ay nagsasalita ng katarungan. Ang kautusan ng kanyang Diyos sa puso niya'y taglay, hindi nadudulas ang kanyang mga hakbang. Inaabangan ng masama ang matuwid na tao, at pinagsisikapang patayin niya ito. Hindi siya iiwan ng PANGINOON sa kanyang kamay, ni hahayaan siyang maparusahan kapag siya'y nahatulan. Hintayin mo ang PANGINOON, at ingatan ang kanyang daan, at itataas ka niya upang manahin mo ang lupain; ang pagkawasak ng masama ay iyong pagmamasdan. Nakakita ako ng masama at marahas na tao, na lumalaganap na gaya ng sariwang punungkahoy sa kanyang lupang tinubuan. Muli akong dumaan at, narito, wala na siya; kahit hinanap ko siya, hindi na siya makita. Tandaan mo ang taong walang kapintasan, at ang matuwid ay iyong masdan, sapagkat may hinaharap para sa taong may kapayapaan. Ngunit ang mga sumusuway ay sama-samang pupuksain; ang susunod na lahi ng masama ay puputulin. Ang kaligtasan ng matuwid ay mula sa PANGINOON; siya ang kanilang kanlungan sa magulong panahon. At sila'y tinutulungan at pinalalaya ng PANGINOON; kanyang pinalalaya sila mula sa masama, at inililigtas sila, sapagkat sila'y nanganganlong sa kanya. O PANGINOON, sa pagkagalit mo ay huwag mo akong sawayin, ni sa iyong pagkapoot ay huwag mo akong supilin! Sapagkat ang iyong mga palaso sa akin ay tumimo, at pumisil sa akin ang kamay mo. Walang kaginhawahan sa aking laman dahil sa iyong kapootan; walang kalusugan sa aking mga buto dahil sa aking kasalanan. Sapagkat ang mga kasamaan ko ay nakarating sa ibabaw ng aking ulo, ang mga iyon ay gaya ng isang pasan na napakabigat para sa akin. Ang aking mga sugat ay mabaho at nagnanana, dahil sa aking kahangalan. Ako'y yukong-yuko at nakabulagta, ako'y tumatangis buong araw. Sapagkat nag-iinit ang aking mga balakang, at walang kaginhawahan sa aking laman. Nanghihina at bugbog ako; ako'y dumaing dahil sa bagabag ng aking puso. Panginoon, lahat ng aking inaasam ay batid mo; ang aking hinagpis ay hindi lingid sa iyo. Ang aking puso ay kakaba-kaba, ang aking lakas ay kinakapos, at ang liwanag ng aking paningin, sa akin ay nawala din. Ang aking mga kaibigan at mga kasamahan ay walang malasakit sa aking kapighatian, at nakatayong napakalayo ang aking kamag-anakan. Yaong mga nagtatangka sa aking buhay ay naglagay ng kanilang mga bitag, silang nagsisihanap ng aking ikapapahamak ay nagsasalita ng pagkawasak, at nag-iisip ng kataksilan sa buong araw. Ngunit ako'y gaya ng taong bingi, hindi ako nakakarinig; gaya ng taong pipi na hindi nagbubuka ng kanyang bibig. Oo, ako'y gaya ng tao na hindi nakakarinig, at walang pangangatuwiran sa aking bibig. Ngunit sa iyo ako naghihintay, O PANGINOON, ikaw, O PANGINOON kong Diyos ang siyang tutugon. Sapagkat aking sinabi, "Huwag mo lamang hayaang sila'y magalak laban sa akin, na laban sa akin ay nagmamataas kapag ang paa ko ay nadudulas!" Sapagkat ako'y malapit nang matumba, at ang aking kirot ay nasa akin tuwina. Ipinahahayag ko ang aking kasamaan; ako'y puno ng kabalisahan dahil sa aking kasalanan. Yaong aking mga kaaway na walang kadahilanan ay makapangyarihan, at marami silang napopoot sa akin na wala sa katuwiran. Silang gumaganti ng kasamaan sa aking kabutihan, ay aking mga kaaway sapagkat sinusunod ko ang kabutihan. O PANGINOON, huwag mo akong pabayaan; O Diyos ko, huwag mo akong layuan! Magmadali kang ako'y tulungan, O Panginoori, aking kaligtasan! Aking sinabi, "Ako'y mag-iingat sa aking mga lakad, upang huwag akong magkasala sa aking dila; iingatan ko ang aking bibig na parang binusalan, hangga't ang masasama ay nasa aking harapan." Ako'y tumahimik at napipi, ako'y tumahimik pati sa mabuti; lalong lumubha ang aking pighati, ang puso ko'y uminit sa aking kalooban. Samantalang ako'y nagbubulay-bulay, ang apoy ay nagningas, pagkatapos sa aking dila ako ay bumigkas: "PANGINOON, ipaalam mo sa akin ang aking katapusan, at kung ano ang sukat ng aking mga araw; ipaalam sa akin kung gaano kadaling lumipas ang aking buhay! Narito, ang aking mga araw ay ginawa mong iilang mga dangkal, at sa paningin mo'y tulad sa wala ang aking buhay. Tunay na bawat tao'y nakatayong gaya ng isang hininga lamang. (Selah) Tunay na ang tao ay lumalakad na gaya ng anino! Tunay na sila'y nagkakagulo nang walang kabuluhan; ang tao ay nagbubunton, at hindi nalalaman kung sinong magtitipon! "At ngayon, Panginoon, sa ano pa ako maghihintay? Ang aking pag-asa ay nasa iyo. Iligtas mo ako sa lahat ng aking mga pagsuway. Huwag mo akong gawing katuyaan ng hangal. Ako'y pipi, hindi ko ibinubuka ang bibig ko, sapagkat ikaw ang gumawa nito. Paghampas sa akin ay iyo nang tigilan, ako'y bugbog na sa mga suntok ng iyong kamay. Kapag pinarurusahan mo ang tao nang may pagsaway sa pagkakasala, iyong tinutupok na gaya ng bukbok ang mahalaga sa kanya; tunay na ang bawat tao ay isa lamang hininga! (Selah) "Pakinggan mo, O PANGINOON, ang aking panalangin, at iyong dinggin ang aking daing; huwag kang manahimik sa aking mga luha! Sapagkat ako'y dayuhan na kasama mo, isang manlalakbay gaya ng lahat na aking mga ninuno. Ilayo mo ang iyong tingin sa akin, upang muli akong makangiti, bago ako umalis at mapawi!" Matiyaga akong naghintay sa PANGINOON; kumiling siya sa akin at pinakinggan ang aking daing. Iniahon niya ako sa hukay ng pagkawasak, mula sa putikang lusak, at itinuntong niya ang mga paa ko sa isang malaking bato, at pinatatag ang aking mga hakbang. Nilagyan niya ng bagong awit ang aking bibig, isang awit ng pagpupuri sa ating Diyos. Marami ang makakakita at matatakot, at magtitiwala sa PANGINOON. Mapalad ang tao na kaniyang ginawang tiwala ang PANGINOON, na hindi bumabaling sa mga mapagmataas, pati sa mga naligaw sa kamalian. Pinarami mo, O PANGINOON kong Diyos, ang iyong mga kagila-gilalas na gawa at ang iyong mga pag-aalala sa amin; walang maaaring sa iyo'y ihambing! Kung aking ipahahayag ang mga iyon at isasaysay, ang mga iyon ay higit kaysa mabibilang. Hain at handog ay hindi mo ibig, ngunit binigyan mo ako ng bukas na pandinig. Handog na sinusunog at handog pangkasalanan ay hindi mo kinailangan. Nang magkagayo'y sinabi ko: "Narito, ako'y dumarating; sa balumbon ng aklat ay nakasulat ang tungkol sa akin; kinaluluguran kong sundin ang iyong kalooban, O Diyos ko; ang iyong kautusan ay nasa loob ng aking puso." Ako'y nagpahayag ng masayang balita ng kaligtasan sa dakilang kapulungan; narito, ang aking mga labi ay hindi ko pipigilan, O PANGINOON, iyong nalalaman. Hindi ko ikinubli ang iyong katuwiran sa loob ng aking puso; ibinalita ko ang iyong katapatan at ang pagliligtas mo; hindi ko inilihim ang iyong tapat na pag-ibig at ang iyong katapatan sa dakilang kapulungan. Huwag mong ipagkait sa akin, O PANGINOON, ang iyong kahabagan, lagi nawa akong ingatan ng iyong tapat na pag-ibig at ng iyong katapatan! Sapagkat pinaligiran ako ng kasamaang di mabilang, inabutan ako ng aking mga kasamaan, hanggang sa ako'y hindi makakita; sila'y higit pa kaysa mga buhok ng aking ulo, nanghihina ang aking puso. Kalugdan mo nawa, O PANGINOON, na ako'y iligtas mo! O PANGINOON, ikaw ay magmadaling tulungan ako! Sila nawa'y mapahiya at hamaking sama-sama silang nagsisikap na agawin ang aking buhay; sila nawa'y mapaurong at madala sa kahihiyan, silang nagnanais ng aking kapahamakan. Matakot nawa sila dahil sa kanilang kahihiyan na nagsasabi sa akin, "Aha! Aha!" Ngunit magalak at matuwa nawa sa iyo ang lahat ng sa iyo'y nagsisihanap; yaong umiibig sa iyong pagliligtas ay patuloy nawang magsabi, "Dakilain ang PANGINOON!" Dahil sa ako'y nahihirapan at nangangailangan, alalahanin nawa ako ng Panginoon. Ikaw ang aking saklolo at aking tagapagligtas; huwag kang magtagal, O aking Diyos. Mapalad siya na nagbibigay-pansin sa dukha! Ililigtas siya ng PANGINOON sa araw na masama. Iniingatan siya ng PANGINOON at pinananatiling buhay siya'y tatawaging pinagpala sa lupain; hindi mo siya ibinigay sa kagustuhan ng kanyang mga kaaway. Aalalayan siya ng PANGINOON sa kanyang higaan ng karamdaman, sa kanyang pagkakasakit ay iyong inaayos ang buo niyang higaan. ungkol sa akin, aking sinabi, "O PANGINOON, sa akin ay maawa ka, pagalingin mo ako, sapagkat laban sa iyo, ako'y nagkasala!" Ang mga kaaway ko ay nagsalita ng kasamaan laban sa akin, "Kailan siya mamamatay, at ang kanyang pangalan ay mapapawi rin?" At nang siya'y pumarito upang tingnan ako, siya'y nagsasalita ng mga salitang walang laman, habang ang kanyang puso ay nagtitipon ng kasamaan, kapag siya'y lumabas, ipinamamalita niya ito. Lahat ng napopoot sa akin ay nagbubulong-bulungan laban sa akin; kanilang iniisip ang pinakamasama para sa akin. Kanilang sinasabi, "Isang masamang bagay ang ibinuhos sa kanya, hindi na siya muling babangon sa kanyang pagkahiga." Maging ang matalik kong kaibigan na aking pinagtitiwalaan, na kumain ng aking tinapay, ay nagtaas ng kanyang sakong sapagkat sa akin ay laban. Ngunit ikaw, O PANGINOON ko, maawa ka sa akin, at ibangon mo ako, upang sa kanila'y makaganti ako! Sa pamamagitan nito ay nalalaman ko na nalulugod ka sa akin, dahil sa ang aking kaaway ay hindi sisigaw sa pagtatagumpay laban sa akin. At tungkol sa akin, inaalalayan mo ako sa aking katapatan, at inilalagay mo ako sa iyong harapan magpakailanman. Purihin ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel, mula sa walang pasimula at hanggang sa walang hanggan. Amen at Amen. Kung paanong ang usa ay nananabik sa batis na umaagos, gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, O Diyos. Ang aking kaluluwa ay nauuhaw sa Diyos, sa buhay na Diyos, kailan ako makakarating at makikita ang mukha ng Diyos? Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi, habang ang mga tao sa akin ay nagsasabi, "Nasaan ang iyong Diyos?" Ang mga bagay na ito ay aking naaalala, habang sa loob ko ay ibinubuhos ko ang aking kaluluwa: kung paanong ako'y sumama sa karamihan, at sa paglakad sa bahay ng Diyos, sila'y aking pinatnubayan, na may awit ng pagpupuri at sigaw ng kagalakan, napakaraming tao na nagdiriwang ng kapistahan. Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko? Bakit ka nababagabag sa loob ko? Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko, dahil sa kaligtasan mula sa kanyang harapan. O Diyos ko, ang aking kaluluwa ay nanlulumo sa loob ko; kaya't aking naaalala ka mula sa lupain ng Jordan at ng Hermon, mula sa Bundok ng Mizhar. Ang kalaliman ay tumatawag sa kalaliman sa hugong ng iyong matataas na talon. Lahat ng iyong alon at iyong malalaking alon sa akin ay tumabon. Kapag araw ay inuutusan ng PANGINOON ang kanyang tapat na pag-ibig, at sa gabi ay kasama ko ang kanyang awit, isang panalangin sa Diyos ng aking buhay. Sinasabi ko sa Diyos na aking malaking bato: "Bakit kinalimutan mo ako? Bakit ako'y tumatangis sa paghayo dahil sa kalupitan ng kaaway ko?" Tulad ng pagkadurog ng aking mga buto, ang aking mga kaaway, tinutuya ako. habang patuloy nilang sinasabi sa akin, "Nasaan ang Diyos mo?" Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko? At bakit ka nababagabag sa loob ko? Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko, ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko. O Diyos, pawalang-sala mo ako, at ang aking usapin ay ipagtanggol mo laban sa isang bayang masama; iligtas mo ako sa mga taong hindi makatarungan at mandaraya. Sapagkat ikaw ang Diyos na aking kalakasan, bakit mo ako itinakuwil? Bakit ako lalakad na tumatangis dahil sa kaaway kong malupit? O suguin mo ang iyong liwanag at iyong katotohanan; patnubayan nawa ako ng mga iyon, dalhin nawa nila ako sa iyong banal na bundok. at sa iyong tirahan! Kung magkagayo'y pupunta ako sa dambana ng Diyos, sa Diyos na aking malabis na kagalakan; at pupurihin kita ng alpa, O Diyos, aking Diyos. Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko? At bakit ka nababagabag sa loob ko? Umasa ka sa Diyos; sapagkat ikaw ay muling pupurihin ko, ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko. Narinig ng aming mga tainga, O Diyos, isinaysay sa amin ng aming mga ninuno, kung anong mga gawa ang iyong ginawa nang panahon nila, nang mga unang araw: sa pamamagitan ng iyong kamay itinaboy mo ang mga bansa, ngunit itinanim mo sila; iyong pinarusahan ang mga bayan, at iyong ikinalat sila. Sapagkat hindi nila pinagwagian ang lupain sa pamamagitan ng kanilang sariling tabak, ni ang sarili nilang kamay ay nagbigay sa kanila ng tagumpay; kundi ng iyong kanang kamay, at ng iyong bisig, at ng liwanag ng iyong mukha, sapagkat ikaw ay nalulugod sa kanila. Ikaw ang aking Hari at aking Diyos, na nag-utos ng kaligtasan para kay Jacob. Sa pamamagitan mo'y itutulak namin ang aming mga kaaway: sa pamamagitan ng iyong pangalan ay tatapakan namin ang mga sumasalakay sa amin. Sapagkat hindi ako magtitiwala sa aking pana, ni ililigtas man ako ng aking tabak. Ngunit iniligtas mo kami sa aming mga kaaway, at ang mga napopoot sa amin ay inilagay mo sa kahihiyan. Sa pamamagitan ng Diyos ay patuloy kaming nagmamalaki, at sa iyong pangalan magpakailanman ay magpapasalamat kami. (Selah) Gayunma'y itinakuwil at kasiraang-puri sa amin ay ibinigay mo, at hindi ka lumalabas na kasama ng aming mga hukbo. Pinatalikod mo kami sa kaaway; at silang mga galit sa amin ay kumuha ng samsam para sa kanilang sarili. Ibinigay mo kami upang kainin na parang tupa, at ikinalat mo kami sa mga bansa. Ipinagbili mo ang iyong bayan sa napakaliit na halaga, at hindi humingi ng malaking halaga para sa kanila. Ginawa mo kaming katatawanan ng aming mga kapwa, ang tudyuhan at paglibak ng mga nasa palibot namin. Sa gitna ng mga bansa'y ginawa mo kaming kawikaan, isang bagay na pinagtatawanan ng mga bayan. Buong araw ay nasa harapan ko ang aking kasiraang-puri, at ang kahihiyan ay tumakip sa aking mukha, dahil sa tinig niya na nang-uuyam at nanlalait, dahil sa paningin ng kaaway at naghihiganti. Lahat ng ito'y dumating sa amin; bagaman hindi ka namin kinalimutan, at hindi kami gumagawa ng kamalian sa iyong tipan. Ang aming puso ay hindi tumalikod, ni ang amin mang mga hakbang ay humiwalay sa iyong daan; upang kami ay iyong durugin sa lugar ng mga asong-gubat, at tinakpan mo kami ng anino ng kamatayan. Kung aming kinalimutan ang pangalan ng aming Diyos, o iniunat ang aming mga kamay sa ibang diyos; hindi ba ito'y matutuklasan ng Diyos? Sapagkat nalalaman niya ang mga lihim ng puso. Dahil sa iyo ay pinapatay kami buong araw; at itinuturing na parang mga tupa para sa katayan. Ikaw ay bumangon! Bakit ka natutulog, O Panginoon? Gumising ka! Huwag mo kaming itakuwil magpakailanman. Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha? Bakit mo kinalilimutan ang aming kalungkutan at kapigharian? Sapagkat ang aming kaluluwa ay nakasubsob sa alabok; ang aming katawan ay dumidikit sa lupa. Ikaw ay bumangon, tulungan mo kami! Iligtas mo kami alang-alang sa iyong tapat na pag-ibig! Ang aking puso ay nag-uumapaw sa mabuting paksa, ipinatutungkol ko ang aking mga salita sa hari; ang aking dila ay gaya ng panulat ng bihasang manunulat. Ikaw ang pinakamaganda sa mga anak ng mga tao; ang biyaya ay ibinubuhos sa mga labi mo, kaya't pinagpala ka ng Diyos magpakailanman. Ibigkis mo ang iyong tabak sa iyong hita, O makapangyarihan, sa iyong kaluwalhatian at kamahalan! At sa iyong kamahalan ay sumakay kang nananagumpay para sa mga bagay ng katotohanan, at kaamuan at katuwiran; ang iyong kanang kamay nawa ay magturo sa iyong kakilakilabot na mga gawa! Ang iyong mga palaso ay matalas sa puso ng mga kaaway ng hari, ang mga bayan ay nabuwal sa ilalim mo. Ang iyong banal na trono ay magpakailanpaman. Ang iyong setro ng kaharian ay setro ng katarungan; iyong iniibig ang katuwiran at kinasusuklaman ang kasamaan. Kaya't ang Diyos, ang iyong Diyos, ay pinahiran ka ng langis, ng langis ng kagalakan na higit kaysa iyong mga kasamahan. Lahat ng iyong mga damit ay mabango dahil sa mira, mga aloe, at kasia. Mula sa palasyong garing ay pinasasaya ka ng mga panugtog na may kuwerdas. Ang mga anak na babae ng mga hari ay kabilang sa iyong mararangal na babae; sa iyong kanang kamay ay nakatayo ang reyna na may ginto ng Ofir. Pakinggan mo, O anak na babae, iyong isaalang-alang, at ikiling mo ang iyong pandinig, kalimutan mo ang iyong bayan at ang bahay ng iyong magulang; at nanasain ng hari ang iyong ganda; yamang siya'y iyong panginoon, yumukod ka sa kanya. At ang anak na babae ng Tiro ay magsisikap na kunin ang iyong pagtatangi na may kaloob; at ang pinakamayaman sa mga bayan ay hahanap ng iyong kagandahang-loob. Ang anak na babae ng hari ay puspos ng kaluwalhatian sa loob niya, mga gintong hinabi ang kasuotang nasa kanya. Siya'y inihahatid sa hari na may kasuotang makulay, ang mga birhen, kanyang mga kasama na sumusunod sa kanya, ay dadalhin sa kanya. May kasayahan at kagalakan na inihahatid sila habang sila'y nagsisipasok sa palasyo ng hari. Sa halip ng iyong mga magulang ay ang iyong mga anak, gagawin mo silang mga pinuno sa buong lupa. Aking ipapaalala sa lahat ng salinlahi ang iyong pangalan, kaya't ang mga bayan ay magpapasalamat sa iyo magpakailanpaman. Ang Diyos ay ating kanlungan at kalakasan, isang handang saklolo sa kabagabagan. Kaya't hindi tayo matatakot bagaman mabago ang lupa, bagaman ang mga bundok ay madulas sa puso ng dagat. bagaman ang tubig nito ay bumula at humugong, bagaman ang mga bundok ay mauga dahil sa unos niyon. (Selah) May isang ilog na ang mga agos ay nagpapasaya sa lunsod ng Diyos, ang banal na tahanan ng Kataastaasan. Ang Diyos ay nasa gitna niya; siya'y hindi makikilos; tutulungan siyang maaga ng Diyos. Ang mga bansa ay nagkagulo, ang mga kaharian ay nagpasuray-suray, binigkas niya ang kanyang tinig, ang lupa ay natunaw. Ang PANGINOON ng mga hukbo ay kasama natin, ang Diyos ni Jacob ay kanlungan natin. (Selah) Pumarito kayo, inyong masdan ang sa PANGINOONG gawa, kung paanong gumawa siya ng pagwasak sa lupa. Kanyang pinahinto ang mga digmaan hanggang sa mga dulo ng lupa; kanyang pinuputol ang sibat at binabali ang pana, kanyang sinusunog ng apoy ang mga karwahe! "Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Diyos. Ako'y mamumuno sa mga bansa, ako'y mamumuno sa lupa." Ang PANGINOON ng mga hukbo ay kasama natin; ang Diyos ni Jacob ay kanlungan natin. (Selah) Ipalakpak ang inyong mga kamay, kayong lahat na mga bayan! Sumigaw kayo sa Diyos nang malakas na tinig ng kagalakan! Sapagkat ang PANGINOON, ang Kataas-taasan, ay kakilakilabot; isang dakilang hari sa buong lupa. Ang mga bayan sa ilalim natin ay pinasusuko niya, at ang mga bansa sa ilalim ng ating mga paa. Kanyang pinili ang pamanang para sa atin, ang kaluwalhatian ni Jacob na kanyang minamahal. (Selah) Ang Diyos ay pumailanglang na may sigaw, ang PANGINOON na may tunog ng trumpeta. Kayo"y magsiawit ng mga papuri sa Diyos, kayo'y magsiawit ng mga papuri! Kayo'y magsiawit ng mga papuri sa ating Hari, kayo'y magsiawit ng mga papuri! Sapagkat ang Diyos ang hari ng buong lupa; magsiawit kayo ng mga papuri na may awit! Ang Diyos ay naghahari sa mga bansa; ang Diyos ay nakaupo sa kanyang banal na trono. Ang mga pinuno ng mga bayan ay nagtipun-tipon bilang bayan ng Diyos ni Abraham; sapagkat ang mga kalasag ng lupa ay sa Diyos; siya'y napakadakila. Dakila ang PANGINOON, at marapat purihin, sa lunsod ng aming Diyos, ang kanyang banal na bundok. Maganda sa kataasan, ang kagalakan ng buong lupa, ang Bundok ng Zion, sa malayong hilaga, ang lunsod ng dakilang Hari. Sa loob ng kanyang kuta ay ipinakita ng Diyos ang sarili bilang isang tiyak na tanggulan. Sapagkat narito, ang mga hari ay nagtipon, sila'y dumating na magkakasama. Nang kanilang nakita, sila'y nanggilalas, sila'y natakot, sila'y nagsitakas. Sila'y nanginig, nahapis na gaya ng isang babaing manganganak. Sa pamamagitan ng hanging silangan ay winasak mo sa Tarsis ang kanilang mga sasakyan. Gaya ng aming narinig, ay gayon ang aming nakita sa lunsod ng PANGINOON ng mga hukbo, sa lunsod ng aming Diyos, na itinatag ng Diyos magpakailanman. (Selah) Aming inaalala ang iyong tapat na pag-ibig, O Diyos, sa gitna ng iyong templo. Gaya ng iyong pangalan, O Diyos, gayon ang papuri sa iyo ay nakakarating hanggang sa mga dulo ng lupa. Ang iyong kanang kamay ay puspos ng tagumpay. Hayaang magalak ang Bundok ng Zion! Hayaang magalak ang mga anak na babae ng Juda dahil sa iyong mga paghatol! Libutin ninyo ang Zion, at inyong paligiran siya; inyong bilangin ang mga tore niya. Isaalang-alang ninyong mabuti ang kanyang mga balwarte, inyong pasukin ang kanyang mga muog, upang inyong maibalita sa susunod na salinlahi na ito ang Diyos, ang ating Diyos magpakailanpaman. Siya'y magiging ating patnubay magpakailanman. Pakinggan ninyo ito, kayong lahat na mga bayan! Pakinggan ninyo, kayong lahat na nananahan sa daigdig, maging mababa at mataas, mayaman at dukha na magkakasama! Ang aking bibig ay magsasalita ng karunungan; ang pagbubulay-bulay ng aking puso ay magiging pang-unawa. Ikikiling ko ang aking pandinig sa isang kawikaan, ipapaliwanag ko sa tunog ng alpa ang aking palaisipan. Bakit ako matatakot sa mga panahon nang kaguluhan, kapag pinaliligiran ako ng mga umuusig sa akin ng kasamaan, mga taong nagtitiwala sa kanilang kayamanan, at ipinaghahambog ang kasaganaan ng kanilang mga kayamanan? Tunay na sa anumang paraan ay walang taong makakatubos sa kanyang kapatid, ni ibigay sa Diyos ang kabayaran ng kanyang buhay. Sapagkat ang pantubos sa kanyang kaluluwa ay mahal, at dapat siyang huminto magpakailanman, na siya'y patuloy na mabuhay magpakailanman, na siya'y huwag makakita ng kabulukan. Oo, makikita niya na maging mga pantas ay namamatay, ang mangmang at ang hangal ay parehong dapat mamatay at ang kanilang kayamanan sa iba'y iiwan. Ang kanilang libingan ay kanilang mga tahanan magpakailanman, kanilang mga lugar na tirahan sa lahat ng salinlahi; tinatawag nila ang kanilang mga lupain ayon sa kanilang sariling mga pangalan. Ngunit ang tao'y hindi mananatili sa kanyang karangalan, siya'y gaya ng mga hayop na namamatay. Ito ang daan noong mga hangal, at noong mga iba na pagkatapos nila ay sumasang-ayon sa kanilang salita. (Selah) Gaya ng mga tupa ay para sa Sheol sila nakatalaga, ang kamatayan ay magiging pastol nila, at ang kanilang kagandahan ay mapapasa sa Sheol upang matunaw, at ang kanilang anyo ay maaagnas; ang Sheol ang kanilang magiging tahanan. Ngunit tutubusin ng Diyos ang aking kaluluwa mula sa kapangyarihan ng Sheol, sapagkat ako'y tatanggapin niya. (Selah) Huwag kang matakot kapag may yumaman, kapag ang kaluwalhatian ng kanyang bahay ay lumalago. Sapagkat kapag siya'y namatay ay wala siyang madadala, ang kanyang kaluwalhatian ay hindi bababang kasunod niya. Bagaman habang siya'y nabubuhay ay binabati niya ang kanyang sarili, at bagaman ang tao'y tumatanggap ng papuri kapag siya'y gumawa ng mabuti para sa sarili, siya'y paroroon sa salinlahi ng kanyang mga magulang; na hindi sila makakakita ng liwanag kailanman. Taong nasa karangalan, subalit hindi nakakaunawa, ay gaya ng mga hayop na namamatay. Ang Makapangyarihan, ang Diyos na PANGINOON, ay nagsalita at tinatawag ang lupa mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyon. Mula sa Zion na kasakdalan ng kagandahan, nagliliwanag ang Diyos. Ang aming Diyos ay dumarating at hindi siya tatahimik; nasa harapan niya ang apoy na tumutupok, at malakas na bagyo sa kanyang palibot. Siya'y tumatawag sa langit sa kaitaasan, at sa lupa upang hatulan niya ang kanyang bayan: 'Tipunin mo sa akin ang aking mga banal, yaong nakipagtipan sa akin sa pamamagitan ng alay!" Ang langit ay nagpapahayagng kanyang katuwiran; sapagkat ang Diyos ay siyang hukom! (Selah) "Makinig, O aking bayan, at magsasalita ako, O Israel, ako'y magpapatotoo laban sa iyo. Ako'y Diyos, Diyos mo. Hindi kita sinasaway dahil sa iyong mga handog; laging nasa harapan ko ang iyong mga handog na sinusunog. Hindi ako tatanggap ng baka mula sa iyong bahay, ni ng kambing na lalaki sa iyong mga kawan. Sapagkat bawat hayop sa gubat ay akin, ang hayop sa libong mga burol. Nakikilala ko ang lahat ng mga ibon sa mga bundok; at ang lahat ng mga gumagala sa parang ay akin. "Kung ako'y gutom, sa iyo ay hindi ko sasabihin, sapagkat ang sanlibutan at ang lahat ng narito ay akin. Kumakain ba ako ng laman ng mga toro, o umiinom ng dugo ng mga kambing? Mag-alay sa Diyos ng pasasalamat na alay, at tuparin mo ang iyong mga panata sa Kataas-taasan; at tumawag ka sa akin sa araw ng kabagabagan; ililigtas kita, at luluwalhatiin mo ako." Ngunit sa masama ay sinabi ng Diyos: "Anong karapatan mo upang ipahayag ang aking mga tuntunin, o ilagay ang aking tipan sa iyong bibig? Sapagkat ang disiplina ay kinapopootan mo, at iyong iwinawaksi ang aking mga salita sa likuran mo. Kapag nakakakita ka ng magnanakaw, ikaw ay natutuwa sa kanya, at sumasama ka sa mga mangangalunya. "Ibinibigay mo sa iyong bibig ang malayang paghahari ng kasamaan, at ang iyong dila ay kumakatha ng pandaraya. Ikaw ay umuupo at nagsasalita laban sa iyong kapatid; iyong sinisiraan ang anak ng iyong sariling ina. Ang mga bagay na ito ay iyong ginawa, at ako'y nanahimik; iniisip mong ako'y gaya mo. Ngunit ngayo'y sinasaway kita,at ipinapataw ang paratang sa harapan mo. "Kayong nakakalimot sa Diyos, tandaan ninyo ito, baka kayo'y aking pagluray-lurayin at walang magligtas sa inyo! Ang naghahandog ng alay ng pasasalamat ay nagpaparangal sa akin; sa kanya na nag-aayos ng kanyang lakad ang pagliligtas ng Diyos ay ipapakita ko rin!" Maawa ka sa akin, O Diyos, ayon sa iyong tapat na pag-ibig; ayon sa iyong saganang kaawaan ay pawiin mo ang aking mga paglabag. Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan, at linisin mo ako sa aking kasalanan. Sapagkat aking nalalaman ang mga pagsuway ko, at ang aking kasalanan ay laging nasa harapan ko. Laban sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala, at nakagawa ng kasamaan sa iyong paningin, upang ikaw ay maging ganap sa iyong pagsasalita at walang dungis sa iyong paghatol. Narito, ako'y ipinanganak sa kasamaan; at ipinaglihi ako ng aking ina sa kasalanan. Narito, ikaw ay nagnanasa ng katotohanan sa panloob na pagkatao, at sa tagong bahagi ay iyong ipapakilala sa akin ang karunungan. Linisin mo ako ng isopo, at ako'y magiging malinis; hugasan mo ako at ako'y magiging higit na maputi kaysa niyebe. Gawin mong marinig ko ang kagalakan at kasayahan; hayaan mong ang mga buto na iyong binali ay magalak. Ikubli mo ang iyong mukha sa aking mga kasalanan, at pawiin mo ang lahat kong mga kasamaan. Lumalang ka sa akin ng isang malinis na puso, O Diyos; at muli mong baguhin ang matuwid na espiritu sa loob ko. Sa iyong harapan ay huwag mo akong paalisin, at ang iyong banal na Espiritu sa akin ay huwag mong bawiin. Ibalik mo sa akin ang kagalakan ng iyong pagliligtas, at alalayan ako na may espiritung nagnanais. Kung magkagayo'y ituturo ko sa mga sumusuway ang mga lakad mo; at ang mga makasalanan ay manunumbalik sa iyo. Iligtas mo ako, O Diyos, mula sa salang pagdanak ng dugo, ikaw na Diyos ng aking kaligtasan; at ang aking dila ay aawit nang malakas tungkol sa iyong katuwiran. O Panginoon, buksan mo ang mga labi ko, at ang aking bibig ay magpapahayag ng papuri sa iyo. Sapagkat sa alay ay hindi ka nalulugod; kung hindi ay bibigyan kita, hindi ka nalulugod sa handog na sinusunog. Ang mga hain sa Diyos ay bagbag na diwa, isang bagbag at nagsisising puso, O Diyos, ay hindi mo hahamakin. Gawan mo ng mabuti ang Zion sa iyong mabuting kaluguran, itayo mo ang mga pader ng Jerusalem, kung gayo'y malulugod ka sa matutuwid na alay, sa mga handog na sinusunog at sa buong handog na sinusunog; kung gayo'y ihahandog ang mga toro sa iyong dambana. Bakit ka naghahambog, O makapangyarihang tao? Ang kagandahang-loob ng Diyos ay sa buong araw. Sa buong araw ang dila mo'y nagbabalak ng pagkawasak. Ang dila mo'y gaya ng matalas na labaha, ikaw na gumagawa ng kataksilan. Iniibig mo ang kasamaan ng higit kaysa kabutihan; at ang pagsisinungaling kaysa pagsasalita ng katotohanan. (Selah) Iniibig mo ang lahat ng mga nananakmal na salita, O ikaw na mandarayang dila. Ngunit ilulugmok ka ng Diyos magpakailanman, aagawin at hahatakin ka niya mula sa iyong tolda, at bubunutin ka niya sa lupain ng mga buhay. (Selah) Makikita ng matuwid, at matatakot, at pagtatawanan siya, na nagsasabi, "Pagmasdan ninyo ang tao na hindi niya ginawang kanlungan ang Diyos; kundi nagtiwala sa kasaganaan ng kanyang mga kayamanan, at nagpakalakas sa kanyang nasa." Ngunit ako'y gaya ng sariwang punungkahoy ng olibo sa bahay ng Diyos. Nagtitiwala ako sa tapat na pag-ibig ng Diyos magpakailanpaman. Ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman, sapagkat iyon ay iyong ginawa. At ako'y maghihintay sa iyong pangalan sapagkat ito'y mabuti, sa harapan ng mga banal. "Walang Diyos," sinasabi ng pusong hangal. Sila'y masasama at gumagawa ng kasamaang karumaldumal, wala isa mang gumagawa ng mabuti. Ang Diyos ay tumutunghay mula sa langit sa mga anak ng mga tao, upang tingnan kung may sinumang matalino, na naghahanap sa Diyos. Silang lahat ay tumalikod; sila'y pawang masasama, walang sinumang gumagawa ng mabuti, wala, wala kahit isa. Wala bang kaalaman ang mga gumagawa ng kasamaan? Sila na kumakain ng aking bayan na tila sila'y kumakain ng tinapay, at hindi tumatawag sa Diyos? Doon sila'y nasa matinding takot, na kung saan ay walang dapat ikatakot. Sapagkat ikinalat ng Diyos ang mga buto nilang kumukubkob laban sa iyo, sila'y inilagay mo sa kahihiyan, sapagkat itinakuwil sila ng Diyos. O, nawa'y ang pagliligtas para sa Israel ay dumating mula sa Zion! Kapag ibinalik ng Diyos ang kapalaran ng kanyang bayan, magagalak ang Jacob at matutuwa ang Israel. Iligtas mo ako, O Diyos, sa pamamagitan ng iyong pangalan, at pawalang-sala mo ako sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan. O Diyos, dalangin ko'y pakinggan mo, pakinggan mo ang mga salita ng bibig ko. Sapagkat ang mga banyaga ay naghimagsik laban sa akin, at mararahas na tao ang umuusig sa buhay ko; hindi nila inilagay ang Diyos sa harapan nila. (Selah) Ang Diyos ay aking katulong; ang Panginoon ang umaalalay sa aking kaluluwa. Kanyang gagantihan ng masama ang mga kaaway ko; tapusin mo sila sa katapatan mo. Ako'y mag-aalay sa iyo ng kusang-loob na handog; ako'y magpapasalamat sa iyong pangalan, O PANGINOON, sapagkat ito'y mabuti. Sapagkat iniligtas niya ako sa bawat kabagabagan; at ang aking mata ay tuminging may pagtatagumpay sa aking mga kaaway. O Diyos, dalangin ko'y pakinggan mo, at huwag kang magtago sa daing ko! Pansinin mo ako, at sagutin mo ako; ako'y natatalo ng aking pagdaramdam. Ako'y walang katiwasayan sa aking pag-angal at ako'y dumadaing, dahil sa tinig ng kaaway, dahil sa pagmamalupit ng masama. Sapagkat nagdadala sila sa akin ng kaguluhan, at sa galit ay inuusig nila ako. Ang aking puso ay nagdaramdam sa loob ko, ang mga kilabot ng kamatayan ay bumagsak sa akin. Takot at panginginig ay dumating sa akin, at nadaig ako ng pagkatakot. At aking sinabi, "O kung ako sana'y nagkaroon ng mga pakpak na gaya ng kalapati! Lilipad ako at magpapahinga. Narito, kung magkagayo'y gagala ako sa malayo, sa ilang ay maninirahan ako. (Selah) Ako'y magmamadaling hahanap ng silungan ko, mula sa malakas na hangin at bagyo." O Panginoon, guluhin mo, ang kanilang wika ay lituhin mo, sapagkat ang karahasan at pag-aaway sa lunsod ay nakikita ko. Sa araw at gabi ay lumiligid sila sa mga pader niyon; ang kasamaan at kahirapan ay nasa loob niyon. Ang pagkawasak ay nasa gitna niyon; ang kalupitan at pandaraya ay hindi humihiwalay sa kanyang mga lansangan. Hindi isang kaaway ang tumutuya sa akin — mapagtitiisan ko iyon, hindi rin isang namumuhi sa akin ang nagmamalaki laban sa akin, sa gayo'y maitatago ang aking sarili sa kanya. Kundi ikaw, lalaki na kapantay ko, kaibigang matalik at kasama ko. Tayo ay dating magkasamang nag-uusap nang matamis; tayo'y lumalakad na magkasama sa loob ng bahay ng Diyos. Dumating nawang mapandaya ang kamatayan sa kanila, ibaba nawa silang buhay sa Sheol; sapagkat ang kasamaan ay nasa kanilang tahanan, sa gitna nila. Tungkol sa akin ay tatawag ako sa Diyos; at ililigtas ako ng PANGINOON. Sa hapon at umaga, at sa katanghaliang-tapat, ako'y dadaing at tataghoy, at diringgin niya ang aking tinig. Kanyang tutubusin ang aking kaluluwa sa kapayapaan, mula sa pakikibaka laban sa akin, sapagkat marami ang nagtitipon upang ako ay labanan. Papakinggan ng Diyos at sasagutin sila, siya na nakaupo sa trono mula pa noong una. (Selah) Sa kanya na walang pagbabago, at hindi natatakot sa Diyos. Kanyang iniunat ang kanyang mga kamay laban sa mga taong nasa kapayapaan sa kanya, kanyang nilabag ang kanyang tipan. Higit na pino kaysa mantekilya ang kanyang pananalita, ngunit ang kanyang puso ay pakikidigma; higit na malambot kaysa langis ang kanyang mga salita, gayunman ang mga iyon ay nakaumang na mga tabak. Iatang mo ang iyong pasan sa PANGINOON, at kanyang aalalayan ka; hindi niya pinahihintulutang makilos kailanman ang matuwid. Ngunit ikaw, O Diyos, ihahagis mo sila sa hukay ng kapahamakan; ang mga taong mababagsik at mandaraya ay hindi mabubuhay sa kalahati ng kanilang mga araw. Ngunit magtitiwala ako sa iyo. Maawa ka sa akin, O Diyos ko, sapagkat niyuyurakan ako ng mga tao; buong araw na pag-aaway, inaapi niya ako, sa buong araw ay niyuyurakan ako ng mga kaaway, sapagkat marami ang may kapalaluang sa akin ay lumalaban. Kapag natatakot ako, aking inilalagak ang tiwala ko sa iyo. Sa Diyos na pinupuri ko ang salita, sa Diyos ay inilagay ko ang aking tiwala, ang laman sa akin ay ano ang magagawa? Buong araw ay sinisikap nilang saktan ang aking kalagayan; lahat ng kanilang mga pag-iisip ay laban sa aking ikasasama. Sila'y nagsama-sama, sila'y nagsisipagkubli, binabantayan nila ang aking mga hakbang, gaya ng kanilang pag-aabang sa aking buhay. Kaya't gantihan mo sila sa kanilang kasamaan; sa galit ay ilugmok mo, O Diyos, ang mga bayan! Iyong ibinilang ang aking mga paglalakbay, ilagay mo ang aking mga luha sa botelya mo! Wala ba sila sa aklat mo? Kung magkagayo'y tatalikod ang aking mga kaaway sa araw na ako'y tumawag. Ito'y nalalaman ko, sapagkat ang Diyos ay kakampi ko. Sa Diyos, na ang mga salita ay aking pinupuri, sa PANGINOON, na ang mga salita ay aking pinupuri, sa Diyos ay walang takot na nagtitiwala ako. Anong magagawa sa akin ng tao? Ang iyong mga panata ay sa akin, O Diyos, ako'y mag-aalay ng mga handog ng pasasalamat sa iyo. Sapagkat iniligtas mo sa kamatayan ang aking kaluluwa, at sa pagkahulog ang aking mga paa, upang ako'y makalakad sa harapan ng Diyos sa liwanag ng buhay. Maawa ka sa akin, O Diyos, sa akin ay maawa ka, sapagkat nanganganlong sa iyo ang aking kaluluwa, sa lilim ng iyong mga pakpak ay manganganlong ako, hanggang sa makaraan ang mga pagkawasak na ito. Sa Diyos na Kataas-taasan ako'y dumaraing, sa Diyos na nagsasagawa ng lahat na mga bagay sa akin. Siya'y magsusugo mula sa langit at ako'y ililigtas ilalagay niya sa kahihiyan ang sa akin ay yumuyurak, (Selah) Susuguin ng Diyos ang kanyang pag-ibig na tapat at ang kanyang katapatan! Ang aking kaluluwa ay nasa gitna ng mga leon, ako'y nahihiga sa gitna ng mga taong bumubuga ng apoy, sa mga anak ng tao na ang mga ngipin ay sibat at mga pana, at matalas na mga tabak ang kanilang dila. Mabunyi ka, O Diyos, sa itaas ng mga langit, ikaw naging dakila! Ang iyong kaluwalhatian nawa'y mapasa buong lupa! Naglagay sila ng silo para sa aking mga hakbang; ang aking kaluluwa ay nakayuko. Sila'y gumawa ng isang hukay sa aking daan, ngunit sila mismo ang doon ay nabuwal. (Selah) Ang aking puso ay tapat, O Diyos, ang aking puso ay tapat! Ako'y aawit, Oo, ako'y aawit ng mga papuri! Gumising ka, aking kaluwalhatian! Gumising ka, O lira at alpa! Gigisingin ko ang bukang-liwayway! Ako'y magpapasalamat sa iyo, O Panginoon, sa gitna ng mga bayan. Ako'y aawit sa iyo ng mga papuri sa gitna ng mga bansa. Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay dakila hanggang sa mga langit, ang iyong katapatan hanggang sa mga ulap. O Diyos, sa itaas ng kalangitan, ikaw ay maging dakila! Ang iyong kaluwalhatian nawa'y mapasa buong lupa! Tunay bang kayo'y nagsasalita nang matuwid, kayong mga diyos? Matuwid ba kayong humahatol, O kayong mga anak ng tao? Hindi, sa inyong mga puso ay nagsisigawa kayo ng kamalian; sa lupa ang karahasan ng inyong mga kamay ay inyong tinitimbang. Ang masama ay naliligaw mula sa bahay-bata, silang nagsasalita ng mga kasinungalingan ay naliligaw mula sa pagkapanganak. Sila'y may kamandag na gaya ng kamandag ng ahas, gaya ng binging ahas na nagtatakip ng kanyang pandinig, kaya't hindi nito naririnig ang tinig ng mga engkantador, ni ang tusong manggagayuma. O Diyos, basagin mo ang mga ngipin sa kanilang mga bibig; tanggalin mo ang mga pangil ng mga batang leon, O PANGINOON! Parang tubig na papalayong umaagos ay maglaho nawa sila, kapag iniumang na niya ang kanyang mga palaso, maging gaya nawa sila ng mga pirasong naputol. Maging gaya nawa ng kuhol na natutunaw habang nagpapatuloy, gaya ng wala sa panahong panganganak na hindi nakakita ng araw kailanman. Bago makaramdam ang inyong mga palayok sa init ng dawag, kanyang kukunin ang mga iyon ng ipu-ipo ang sariwa at gayundin ang nagniningas. Magagalak ang matuwid kapag nakita niya ang paghihiganti; kanyang huhugasan ang kanyang mga paa ng dugo ng masama. Sasabihin ng mga tao, "Tiyak na sa matuwid ay may gantimpala, tiyak na may Diyos na humahatol sa lupa." Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, O Diyos ko, mula sa mga nag-aalsa laban sa akin, sa itaas ay ilagay mo ako. Iligtas mo ako sa mga gumagawa ng kasamaan, at iligtas mo ako sa mga taong sa dugo ay uhaw. Narito, sapagkat pinagtatangkaan ang aking buhay; ang mga taong mababagsik laban sa akin ay nagsasama-sama. Hindi dahil sa aking pagsuway o sa aking kasalanan man, O PANGINOON, sila'y tumatakbo at naghahanda sa di ko kasalanan. Ikaw ay bumangon, tulungan mo ako, at iyong masdan! Ikaw, O PANGINOONG Diyos ng mga hukbo, na Diyos ng Israel. Gumising ka upang iyong parusahan ang lahat ng mga bansa; huwag mong patatawarin ang sinumang may kataksilang nagpakana ng masama. (Selah) Tuwing hapon ay bumabalik sila, tumatahol na parang aso, at nagpapagala-gala sa lunsod. Narito, sila'y nanunungayaw sa pamamagitan ng kanilang bibig; mga tabak ay nasa kanilang mga labi — sapagkat sinasabi nila, "Sinong makikinig sa amin?" Ngunit ikaw, O PANGINOON, ay pinagtatawanan mo sila, iyong tinutuya ang lahat ng mga bansa. Dahil sa kanyang kalakasan, babantayan kita, sapagkat ikaw, O Diyos ay muog ko. Ang aking Diyos sa kanyang tapat na pag-ibig ay sasalubong sa akin; ipinahihintulot ng aking Diyos na ako'y tumingin na may pagtatagumpay sa aking mga kaaway. Huwag mo silang patayin, baka makalimot ang aking bayan; pangalatin mo sila sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan, at ibaba mo sila, O Panginoon na kalasag namin! Dahil sa kasalanan ng kanilang bibig, at sa mga salita ng kanilang mga labi, masilo nawa sila sa kanilang kapalaluan, dahil sa sumpa at sinalita nilang kasinungalingan. Pugnawin mo sila sa poot, pugnawin mo sila hanggang sa sila'y wala na, upang malaman ng tao na ang Diyos ang namumuno sa Jacob, hanggang sa mga wakas ng lupa. (Selah) Bawat hapon ay bumabalik sila, na tumatahol na parang aso at pagala-gala sa lunsod. Sila'y gumagala upang may makain, at tumatahol kapag hindi sila nabusog. Ngunit aking aawitin ang iyong kalakasan; Oo, aking aawiting malakas sa umaga ang iyong tapat na pag-ibig, sapagkat ikaw ay naging aking muog, at kanlungan sa araw ng aking kapighatian. O aking kalakasan, aawit ako ng mga papuri sa iyo, sapagkat ikaw, O Diyos, ay muog ko, ang Diyos na nagpapakita sa akin ng tapat na pagsuyo. O Diyos, kami ay iyong tinalikuran, winasak mo kami. Ikaw ay nagalit; O ibalik mo kami. Iyong niyanig ang lupain, iyong ibinuka; kumpunihin mo ang mga sira niyon, sapagkat ito'y umuuga. Pinaranas mo ng mahihirap na mga bagay ang iyong bayan; binigyan mo kami ng alak na inumin na nagpasuray sa amin. Naglagay ka ng watawat para sa mga natatakot sa iyo, upang ito'y mailantad dahil sa katotohanan. (Selah) Upang ang iyong minamahal ay mailigtas, bigyan ng tagumpay sa pamamagitan ng iyong kanang kamay at sagutin mo kami. Nagsalita ang Diyos sa kanyang santuwaryo, "Ako'y magsasaya, aking hahatiin ang Shekem, at aking susukatin ang libis ng Sucot. Ang Gilead ay akin, ang Manases ay akin; ang Efraim din ay helmet ng ulo ko, ang Juda ay aking setro. Ang Moab ay aking hugasan; sa Edom ay ihahagis ko ang aking sandalyas; Filistia, dahil sa akin, sumigaw ka ng malakas." Sinong magdadala sa akin sa lunsod na may kuta? Sinong papatnubay sa akin hanggang sa Edom? Hindi mo ba kami tinalikuran, O Diyos? At hindi ka ba hahayo, O Diyos, na kasama ng aming mga hukbo? O pagkalooban mo kami ng tulong laban sa kaaway, sapagkat walang kabuluhan ang tulong ng tao! Kasama ng Diyos ay gagawa kaming may katapangan; sapagkat siya ang tatapak sa aming mga kaaway. Pakinggan mo, O Diyos, ang aking daing, dinggin mo ang aking dalangin. Mula sa dulo ng lupa ay tumatawag ako sa iyo, kapag nanlulupaypay ang aking puso. Ihatid mo ako sa bato na higit na mataas kaysa akin; sapagkat ikaw ay aking kanlungan, isang matibay na muog laban sa kaaway. Patirahin mo ako sa iyong tolda magpakailanman! Ako'y manganganlong sa lilim ng iyong mga pakpak! (Selah) Sapagkat ang aking mga panata, O Diyos, ay iyong pinakinggan, ibinigay mo sa akin ang pamana ng mga may takot sa iyong pangalan. Pahabain mo ang buhay ng hari; tumagal nawa ang kanyang mga taon hanggang sa lahat ng mga salinlahi! Siya nawa'y maluklok sa trono sa harapan ng Diyos magpakailanman; italaga mong bantayan siya ng wagas na pag-ibig at katapatan! Sa gayo'y ako'y aawit ng mga papuri sa iyong pangalan magpakailanman, habang tinutupad ko ang aking mga panata araw-araw. Sa Diyos lamang naghihintay nang tahimik ang aking kaluluwa; ang aking kaligtasan ay nanggagaling sa kanya. Siya lamang ang aking malaking bato at aking kaligtasan, ang aking muog; hindi ako lubhang matitinag. Hanggang kailan kayo magtatangka laban sa isang tao, upang patayin siya, ninyong lahat, gaya ng pader na nakahilig, o bakod na nabubuwal? Sila'y nagbabalak lamang upang ibagsak siya sa kanyang kadakilaan. Sila'y nasisiyahan sa mga kasinungalingan. Sila'y nagpupuri ng bibig nila, ngunit sa kalooban sila'y nanunumpa. (Selah) Sa Diyos lamang naghihintay nang tahimik ang aking kaluluwa, sapagkat ang aking pag-asa ay mula sa kanya. Siya lamang ang aking malaking bato at aking kaligtasan, ang aking muog, hindi ako mayayanig. Nasa Diyos ang aking kaligtasan at aking karangalan; ang aking makapangyarihang bato, ang Diyos ang aking kanlungan. Magtiwala kayo sa kanya sa lahat ng panahon, o bayan; ibuhos ninyo ang inyong puso sa kanyang harapan; para sa atin, ang Diyos ay kanlungan. (Selah) Tunay na walang kabuluhan ang mga taong may mababang kalagayan, ang mga taong may mataas na kalagayan ay kasinungalingan; sumasampa sila sa mga timbangan; silang magkakasama ay higit na magaan kaysa hininga. Sa pangingikil ay huwag kang magtiwala, sa walang kabuluhang pagnanakaw ay huwag kang umasa; kung ang mga kayamanan ay lumago, huwag ninyong ilagak doon ang inyong puso. Ang Diyos ay nagsalitang minsan, dalawang ulit kong narinig ito: na ang kapangyarihan ay sa Diyos; at sa iyo, O Panginoon, ang tapat na pag-ibig, sapagkat ginagantihan mo ang tao ayon sa kanyang gawa. O Diyos, ikaw ay aking Diyos; hahanapin kitang maaga, nauuhaw sa iyo ang aking kaluluwa, ang aking laman sa iyo'y nananabik, gaya ng isang tuyo at lupang uhaw na walang tubig. Sa gayo'y tumingin ako sa iyo sa santuwaryo, na minamasdan ang kapangyarihan at kaluwalhatian mo. Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay higit na mabuti kaysa buhay, pupurihin ka ng aking mga labi. Sa gayo'y pupurihin kita habang ako'y nabubuhay; itataas ko ang aking mga kamay at tatawag sa iyong pangalan. Ang kaluluwa ko'y masisiyahang gaya ng sa taba at katabaan, at ang bibig ko'y magpupuri sa iyo ng mga labing masaya, kapag naaalala kita sa aking higaan, ginugunita kita sa pagbabantay sa gabi; sapagkat naging katulong kita, at sa lilim ng mga pakpak mo'y umaawit ako sa tuwa. Ang kaluluwa ko sa iyo'y nakatangan; inaalalayan ako ng iyong kanang kamay. Ngunit ang mga nagsisikap na wasakin ang buhay ko, ay magsisibaba sa mga kalaliman ng mundo. Sila'y ibibigay sa kapangyarihan ng tabak, sila'y magiging biktima para sa mga asong-gubat. Ngunit magagalak sa Diyos ang hari; lahat ng sumusumpa sa pamamagitan niya ay magpupuri, sapagkat ang bibig ng mga sinungaling ay patitigilin. Pakinggan mo ang tinig ko, O Diyos, sa aking karaingan; ingatan mo ang buhay ko sa pagkatakot sa kaaway. Ikubli mo ako sa mga lihim na pakana ng masasama, sa panggugulo ng mga gumagawa ng kasamaan, na naghahasa ng kanilang mga dila na parang espada, na nag-aakma ng masasakit na salita gaya ng mga pana, upang patagong panain nila ang walang sala; bigla nilang pinapana siya at sila'y hindi matatakot. Sila'y nagpapakatatag sa kanilang masamang layunin; ang paglalagay ng bitag ay pinag-uusapan nila nang lihim, sinasabi, "Sinong makakakita sa atin? Sila'y kumakatha ng mga kasamaan. Kami'y handa sa isang pakanang pinag-isipang mabuti." Sapagkat ang panloob na isipan at puso ng tao ay malalim! Ngunit itutudla ng Diyos ang kanyang palaso sa kanila, sila'y masusugatang bigla. Upang siya'y kanilang maibuwal, ang kanilang sariling dila ay laban sa kanila; at mapapailing lahat ng makakakita sa kanila. At lahat ng mga tao ay matatakot; kanilang ipahahayag ang ginawa ng Diyos, at bubulayin ang kanyang ginawa. Ang taong matuwid ay magagalak sa PANGINOON, at sa kanya ay manganganlong, at ang lahat ng matuwid sa puso ay luluwalhati! Magkakaroon ng katahimikan sa harapan mo at papuri sa Zion, O Diyos; at sa iyo'y isasagawa ang mga panata, O ikaw na dumirinig ng panalangin! Sa iyo'y lalapit ang lahat ng laman. Mga kasamaan ay nananaig laban sa akin, tungkol sa aming mga kasalanan, ito ay pinapatawad mo. Mapalad ang tao na iyong pinipili at pinalalapit upang manirahan sa iyong mga bulwagan! Kami ay masisiyahan sa kabutihan ng iyong bahay, ng iyong templong banal! Sa pamamagitan ng mga gawaing kakilakilabot, sa katuwiran kami'y iyong sinasagot, O Diyos ng aming kaligtasan; ikaw na siyang tiwala ng lahat ng mga hangganan ng lupa, at ng mga dagat na pinakamalayo. Sa pamamagitan ng iyong lakas ay itinayo ang kabundukan, palibhasa'y nabibigkisan ng kapangyarihan. Ikaw ang nagpapatigil ng ugong ng mga karagatan, ng ugong ng kanilang mga alon, at ng pagkakaingay ng mga bayan. Anupa't sila na naninirahan sa pinakamalayong hangganan ng lupa ay natatakot sa iyong mga tanda; ang mga paglabas ng umaga at gabi ay pinasisigaw mo sa tuwa. Ang lupa'y iyong dinadalaw at dinidiligan, iyong pinayayamang mainam; ang ilog ng Diyos ay puno ng tubig; ang kanilang butil ay inihahanda mo, sapagkat sa gayon inihanda mo ang lupa. Dinidilig mo nang sagana ang mga tudling nito, iyong pinapantay ang kanyang mga pilapil, at pinalalambot ng ambon, at pinagpapala ang paglago nito. Pinuputungan mo ang taon ng iyong kasaganaan, ang mga bakas ng iyong karwahe ay tumutulo ng katabaan. Ang mga pastulan sa ilang ay umaapaw, ang mga burol ay nabibigkisan ng kagalakan, ang mga pastulan ay nabibihisan ng mga kawan; ang mga libis ay natatakpan ng butil, sila'y sumisigaw sa kagalakan, Oo sila ay umaawit. Magkaingay kayong may kagalakan sa Diyos, buong lupa; awitin ninyo ang kaluwalhatian ng kanyang pangalan; gawin ninyong maluwalhati ang pagpupuri sa kanya! Inyong sabihin sa Diyos, "Kakilakilabot ang iyong mgagawa! Dahil sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan, ang iyong kaaway ay pakunwaring susunod sa iyo. Sasamba sa iyo ang buong mundo; aawit sila ng papuri sa iyo, aawit ng mga papuri sa pangalan mo." (Selah) Halikayo at tingnan ang ginawa ng Diyos: siya'y kakilakilabot sa kanyang mga gawa sa gitna ng mga tao. Kanyang ginawang tuyong lupa ang dagat; ang mga tao'y tumawid sa ilog nang naglalakad. Doon ay nagalak kami sa kanya, siya'y namumuno sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan magpakailanman; ang kanyang mga mata ay nagbabantay sa mga bansa — huwag itaas ng mga mapaghimagsik ang mga sarili nila. (Selah) O purihin ninyo ang aming Diyos, kayong mga bayan, ang tinig ng pagpupuri sa kanya ay hayaang mapakinggan, na umaalalay sa amin kasama ng mga buhay, at hindi hinayaang madulas ang aming mga paa. Sapagkat ikaw, O Diyos, ang sumubok sa amin; sinubok mo kami na gaya ng pagsubok sa pilak. Iyong inilagay kami sa lambat; nilagyan mo ng malupit na pasan ang aming mga balikat. Hinayaan mong sakyan ng mga tao ang aming mga ulo; kami ay dumaan sa apoy at sa tubig; at dinala mo kami sa kasaganaan. Ako'y papasok sa iyong bahay na may dalang mga handog na susunugin, ang mga panata ko sa iyo ay aking tutuparin, na sinambit ng aking mga labi, at ipinangako ng aking bibig, nang ako ay nasa pagkaligalig. Hahandugan kita ng mga handog na sinusunog na mga pinataba, na may usok ng handog na tupa; ako'y maghahandog ng mga toro at mga kambing. (Selah) Kayo'y magsiparito at iyong dinggin, kayong lahat na natatakot sa Diyos, at ipahahayag ko kung ano ang kanyang ginawa para sa aking kaluluwa. Ako'y dumaing sa kanya ng aking bibig, at siya'y pinuri ng aking dila. Kung iningatan ko ang kasamaan sa aking puso, ang Panginoon ay hindi makikinig. Ngunit tunay na nakinig ang Diyos; kanyang dininig ang tinig ng aking panalangin. Purihin ang Diyos, sapagkat hindi niya tinanggihan ang aking panalangin ni inalis ang kanyang tapat na pag-ibig sa akin! Ang Diyos nawa'y mahabag sa atin at tayo'y pagpalain, at pagliwanagin nawa niya ang kanyang mukha sa atin, (Selah) upang ang iyong daan ay malaman sa lupa, ang iyong pagliligtas sa lahat ng mga bansa. Purihin ka nawa ng mga bayan, O Diyos; purihin ka nawa ng lahat ng mga bayan! Ang mga bansa nawa'y magalak at umawit sa kagalakan, sapagkat iyong hahatulan na may katarungan ang mga bayan, at ang mga bansa sa lupa ay papatnubayan. (Selah) Purihin ka nawa ng mga bayan, O Diyos; purihin ka nawa ng lahat ng mga bayan. Nagbigay ng kanyang bunga ang lupa; ang Diyos, ang ating Diyos, sa atin ay nagpala; Ang Diyos ang sa amin ay nagpala; matakot sa kanya ang lahat ng mga dulo ng lupa! Bumangon nawa ang Diyos, mangalat nawa ang mga kaaway niya; tumakas nawa sa harapan niya ang mga napopoot sa kanya! Kung paanong itinataboy ang usok, ay gayon mo sila itaboy; kung paanong natutunaw ang pagkit sa harap ng apoy, gayon nawa mamatay ang masama sa harapan ng Diyos. Ngunit matuwa nawa ang matuwid; magalak nawa sila sa harapan ng Diyos; Oo, magalak nawa sila sa kasayahan! Kayo'y magsiawit sa Diyos, umawit ng mga papuri sa kanyang pangalan; magtaas ng isang awit sa kanya, siya na nangangabayo sa mga ilang; PANGINOON ang kanyang pangalan, magalak kayo sa kanyang harapan. Ama ng mga ulila, at tagapagtanggol ng mga babaing balo, ang Diyos na sa kanyang banal na tirahan. Ang nag-iisa ay binibigyan ng Diyos ng tahanan, kanyang inaakay ang mga bilanggo sa kasaganaan, ngunit ang mga mapaghimagsik sa tigang na lupa ay naninirahan. O Diyos, nang humayo ka sa harapan ng iyong bayan, nang lumakad ka sa ilang, (Selah) ang lupa ay nayanig, ang kalangitan ay nagbuhos ng ulan sa harapan ng Diyos; ang Sinai ay nayanig sa harapan ng Diyos, ang Diyos ng Israel. Ikaw, O Diyos, ay nagbigay ng saganang ulan, iyong pinalakas ang iyong mana, nang ito'y manghina. Ang iyong kawan doon ay nakatagpo ng tirahan, sa iyong kabutihan, O Diyos, ikaw ay nagkaloob para sa nangangailangan. Ang Panginoon ang nagbibigay ng utos; malaki ang hukbo ng mga babaing naghahayag ng balita: "Ang mga hari ng mga hukbo, tumatakas sila, tumatakas sila!" Pinaghatian ang samsam ng mga babaing nasa tahanan, kapag kayo'y humiga sa gitna ng mga kulungan ng mga kawan, kayo ay parang mga pakpak ng kalapati na natatakpan ng pilak, ang kanyang balahibo ay gintong kumikinang. Nang ikalat ng Makapangyarihan ang mga hari roon, ang niyebe ay bumagsak sa Zalmon. Bundok ng Diyos ay bundok ng Basan; bundok na maraming taluktok ay ang bundok ng Basan! Bakit kayo'y nakatinging may pagkainggit, kayong mga bundok na maraming taluktok, sa bundok na ninais ng Diyos para sa kanyang tahanan, Oo, doon titira ang PANGINOON magpakailanman. Ang mga karo ng Diyos ay dalawampung libo, samakatuwid ay libu-libo. Ang PANGINOON ay dumating mula sa Sinai patungo sa banal na lugar. Sumampa ka sa mataas, pinatnubayan mo ang iyong bihag sa pagkabihag; tumanggap ka ng mga kaloob sa gitna ng mga tao, Oo, pati sa mga mapanghimagsik, upang makatahang kasama nila ang Panginoong DIYOS. Purihin ang Panginoon na nagpapasan araw-araw ng aming pasan, samakatuwid baga'y ang Diyos na siyang aming kaligtasan. (Selah) Ang Diyos sa amin ay Diyos ng kaligtasan; at sa DIYOS, na Panginoon, sa kanya ang pagtakas mula sa kamatayan. Ngunit babasagin ng Diyos ang mga ulo ng kanyang mga kaaway, ang mabuhok na ulo ng lumalakad sa kanyang makasalanang mga daan. Sinabi ng Panginoon, "Ibabalik ko sila mula sa Basan, ibabalik ko sila mula sa mga kalaliman ng karagatan, upang sa dugo, ang mga paa mo'y iyong mapaliguan, upang ang dila ng iyong mga aso ay magkaroon ng bahagi mula sa iyong mga kaaway." Nakita nila ang iyong mga lakad, O Diyos, ang mga paglakad ng aking Diyos, ng Hari ko, patungo sa santuwaryo — ang mga mang-aawit ay nasa unahan, ang mga manunugtog ay nasa hulihan, sa pagitan nila ay ang tumutugtog ng mga pandereta na mga kadalagahan: "Purihin ninyo ang Diyos sa malaking kapulungan, ang PANGINOON, kayong mga mula sa bukal ng Israel!" Naroon si Benjamin, ang pinakamaliit sa kanila, na siyang nangunguna, ang mga pinuno ng Juda at ang kanilang pangkat, ang mga pinuno ng Zebulon, ang mga pinuno ng Neftali. Utusan mo, O Diyos, ang iyong kalakasan, ipakita mong malakas ang iyong sarili, O Diyos, tulad ng ginawa mo para sa amin. Dahil sa iyong templo sa Jerusalem ang mga hari ay nagdadala ng mga handog sa iyo. Sawayin mo ang maiilap na hayop na sa mga tambo naninirahan, ang kawan ng mga toro na kasama ng mga guya ng mga bayan. Yapakan mo sa ilalim ng paa ang mga piraso ng pilak, pangalatin mo ang mga taong sa digmaan ay natutuwa. Mga sugo ay lalabas mula sa Ehipto; magmamadali nawa ang Etiopia na iabot sa Diyos ang mga kamay nito. Magsiawit kayo sa Diyos, mga kaharian sa lupa; magsiawit kayo ng mga papuri sa Panginoon, (Selah) sa kanya na sumasakay sa langit ng mga langit, na mula pa nang una, narito, binibigkas niya ang kanyang tinig, ang kanyang makapangyarihang tinig. Iukol ninyo sa Diyos ang kalakasan, na nasa Israel ang kanyang kadakilaan, at nasa mga langit ang kanyang kalakasan. O Diyos, ikaw ay kakilakilabot mula sa iyong santuwaryo, ang Diyos ng Israel, nagbibigay siya ng kapangyarihan at lakas sa kanyang bayan. Purihin ang Diyos! O Diyos! Ako'y iyong sagipin! Sapagkat ang tubig hanggang sa aking kaluluwa ay nakarating. Ako'y lumulubog sa malalim na putikan, ang mga paa ay walang tuntungan; ako'y dumating sa tubig na malalim, at ang baha ay tumatangay sa akin. Ako'y pagod na sa pagdaing ko; ang lalamunan ko ay nanuyo. Ang mga mata ko'y lumalabo sa kahihintay sa aking Diyos. Higit kaysa mga buhok ng aking ulo ang bilang ng mga namumuhi sa akin ng walang kadahilanan; ang mga nais pumuksa sa akin ay makapangyarihan na mga kaaway kong may kamalian. Anumang hindi ko naman ninakaw ay dapat kong isauli. O Diyos, nalalaman mo ang kahangalan ko; ang mga pagkakamaling nagawa ko'y hindi lingid sa iyo. Huwag nawang mapahiya dahil sa akin ang mga umaasa sa iyo, O Panginoong DIYOS ng mga hukbo; huwag nawang malagay sa kasiraang-puri dahil sa akin ang mga nagsisihanap sa iyo, O Diyos ng Israel. Sapagkat alang-alang sa iyo ay nagbata ako ng kasiraan, at tumakip sa aking mukha ang kahihiyan. Sa aking mga kapatid ako'y naging isang dayuhan, sa mga anak ng aking ina ay isang taga-ibang bayan. Sapagkat ang pagmamalasakit sa iyong bahay ang sa aki'y umubos, at ang mga paghamak ng mga sa iyo'y humahamak sa akin ay nahulog. Nang umiyak ako sa aking kaluluwa na may pag-aayuno, iyon ay naging kahihiyan ko. Nang magsuot ako ng damit-sako, naging bukambibig nila ako. Ang mga umuupo sa pintuang-bayan, ang pinag-uusapan ay ako, at ako ang awit ng mga lasenggo. Ngunit para sa akin, ang dalangin ko'y sa iyo, O PANGINOON, sa isang kaaya-ayang panahon, O Diyos, sa kasaganaan ng iyong tapat na pag-ibig, sagutin mo ako. Sa pamamagitan ng iyong tapat na tulong, sagipin mo ako sa paglubog sa putikan, at huwag mo akong hayaang lumubog; iligtas mo ako sa aking mga kaaway mula sa tubig na may kalaliman. Ang baha nawa'y huwag akong tangayin, ni ng kalaliman ako man ay lamunin, ni isara ng Hukay ang kanyang bunganga sa akin. O PANGINOON, ako'y iyong sagutin, sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay mabuti; ayon sa iyong masaganang awa, bumalik ka sa akin. Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa iyong lingkod; sapagkat ako'y nasa kahirapan, magmadali kang sa aki'y sumagot. O lumapit ka sa aking kaluluwa, at ako'y iyong tubusin, dahil sa aking mga kaaway ako'y iyong palayain! Nalalaman mo ang aking kasiraan, ang aking kahihiyan at aking kakutyaan; lahat ng aking mga kaaway ay nasa harapan mo. Ang mga paghamak sa aking puso ay sumira; kaya't ako'y may sakit. Ako'y naghanap ng habag, ngunit wala naman; at ng mga mang-aaliw, ngunit wala akong natagpuan. Binigyan nila ako ng lason bilang pagkain, at sa aking uhaw ay binigyan nila ako ng sukang iinumin. Ang kanila nawang sariling hapag na nasa harapan nila ay maging isang bitag; kung sila'y nasa kapayapaan, ito nawa'y maging isang patibong. Lumabo nawa ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag makakita; at papanginigin mo ang kanilang mga balakang sa tuwina. Ibuhos mo sa kanila ang iyong poot, at ang iyong nag-aalab na galit sa kanila nawa'y umabot. Ang kanilang kampo nawa'y maging mapanglaw; sa kanilang mga tolda wala sanang tumahan. Sapagkat kanilang inuusig siya na iyong hinataw, at isinaysay nila ang sakit nila na iyong sinugatan. Dagdagan mo ng kasamaan ang kanilang kasamaan; at huwag nawa silang dumating sa iyong katuwiran. Mapawi nawa sila sa aklat ng mga nabubuhay, huwag nawa silang makasama ng matuwid sa talaan. Ngunit ako'y nagdadalamhati at nasasaktan, ang iyo nawang pagliligtas, O Diyos, ang magtaas sa akin! Sa pamamagitan ng awit ang pangalan ng Diyos ay aking pupurihin, at sa pasasalamat siya'y aking dadakilain. Ito'y makakalugod sa PANGINOON ng higit kaysa baka, o sa toro na may mga sungay at mga paa. Nakita ito ng mapagkumbaba at sila'y natuwa, ikaw na naghahanap sa Diyos, ang puso mo'y muling mabuhay nawa. Sapagkat dinirinig ng PANGINOON ang kinakapos, at hindi hinahamak ang sariling kanya na nakagapos. Purihin nawa siya ng langit at ng lupa, ng mga dagat, at ng lahat ng gumagalaw roon. Sapagkat ililigtas ng Diyos ang Zion, at muling itatayo ang mga lunsod ng Juda; at ang mga lingkod niya ay maninirahan doon, at aangkinin iyon; ang mga anak ng kanyang mga lingkod ang magmamana niyon, at silang umiibig sa kanyang pangalan ay maninirahan doon. Malugod ka, O Diyos, na iligtas ako; O PANGINOON, magmadali kang ako'y tulungan mo! Mapahiya at malito nawa sila na tumutugis sa aking buhay! Maitaboy nawa sila at mawalan ng karangalan, silang nagnanais na ako'y masaktan! Pangilabutan nawa sila dahil sa kanilang kahihiyan, silang nagsasabi, "Aha, Aha!" Lahat nawang nagsisihanap sa iyo ay magalak at matuwa sa iyo! Yaon nawang umiibig sa iyong pagliligtas ay patuloy na magsabi, "Hayaang dakilain ang Diyos!" Ngunit ako'y dukha at nangangailangan, magmadali ka sa akin, O Diyos! Ikaw ang aking saklolo at aking tagapagligtas; O PANGINOON, huwag kang magtagal! Sa iyo, O PANGINOON, nanganganlong ako; huwag nawa akong mapahiya kailanman! Iligtas at sagipin mo ako sa katuwiran mo, ikiling mo ang iyong pandinig sa akin, at iligtas mo ako! Ikaw sa akin ay maging bato ng tahanan na lagi kong paroroonan; sapagkat ikaw ay aking muog at malaking bato. Sa kamay ng masama, O aking Diyos, sagipin mo ako, mula sa sunggab ng di-matuwid at malupit na tao. Sapagkat ikaw ang aking pag-asa, O Panginoong DIYOS, ikaw ay aking tiwala mula sa aking kabataan. Sa iyo ako sumandal mula sa kapanganakan ko, ikaw ang kumuha sa akin mula sa tiyan ng aking ina. Ang pagpupuri ko'y magiging laging sa iyo. Sa marami ako'y naging kagila-gilalas; ngunit ikaw ang matibay kong kanlungan. Ang bibig ko'y puno ng pagpupuri sa iyo, at ng iyong kaluwalhatian buong araw. Huwag mo akong itakuwil sa panahon ng katandaan; huwag mo akong pabayaan kapag nauubos na ang aking kalakasan. Sapagkat nagsasalita laban sa akin ang aking mga kaaway, silang nagbabantay sa aking buhay ay nagsasanggunian, at nagsasabi, "Pinabayaan na siya ng Diyos: habulin at hulihin siya; sapagkat walang magliligtas sa kanya." O Diyos, huwag kang maging malayo sa akin; O Diyos ko, magmadali kang tulungan ako! Ang mga kaaway ng aking kaluluwa nawa'y mapahiya at malipol; matabunan nawa ng paghamak at kahihiyan ang mga nagnanais na ako'y masaktan. Ngunit ako'y laging aasa, at pupurihin kita nang higit at higit pa. Ang bibig ko'y magsasabi ng iyong katuwiran, ng iyong mga kaligtasan buong araw; sapagkat ang kanilang bilang ay di abot ng aking kaalaman. Ako'y darating na may mga makapangyarihang gawa ng Panginoong DIYOS, aking pupurihin ang iyong katuwiran, ang iyo lamang. O Diyos, iyong tinuruan ako mula sa aking pagkabata; at ipinahahayag ko pa ang iyong kagila-gilalas na mga gawa. Kaya't maging sa pagtanda at pagkakaroon ng mga uban, O Diyos, huwag mo akong pabayaan; hanggang sa aking maipahayag ang iyong kalakasan sa lahat ng darating na salinlahi. Ang iyong kapangyarihan sa bawat isa na darating, at ang iyong katuwiran, O Diyos, ay umabot sa mataas na kalangitan. Ikaw na gumawa ng dakilang mga bagay, O Diyos, sino ang gaya mo? Ikaw na nagpakita sa akin ng maraming matitinding kabagabagan, ang sa akin ay muling bubuhay; mula sa mga kalaliman ng lupa, ay muli mo akong ibabangon. Kadakilaan ko nama'y iyong paramihin, at muli akong aliwin. Pupurihin din kita sa pamamagitan ng salterio, dahil sa iyong katapatan, O Diyos ko; sa iyo'y aawit ako ng mga papuri sa pamamagitan ng alpa, O Banal ng Israel. Sisigaw sa kagalakan ang mga labi ko, kapag ako'y umaawit ng mga papuri sa iyo; gayundin ang kaluluwa ko na iniligtas mo. At ang dila ko ay magsasalita ng iyong katuwiran sa buong maghapon, sapagkat sila'y napahiya at napahamak, sila na nagnanais na ako'y saktan. Ibigay mo, O Diyos, sa hari ang iyong mga katarungan, at sa anak ng hari, ang iyong katuwiran. Nawa'y hatulan niya na may katuwiran ang iyong bayan, at ang iyong dukha ng may katarungan! Ang mga bundok nawa'y magtaglay ng kasaganaan para sa bayan, at ang mga burol, sa katuwiran! Kanya nawang ipagtanggol ang dukha ng bayan, magbigay ng kaligtasan sa mga nangangailangan, at ang mapang-api ay kanyang durugin! Sila nawa'y matakot sa iyo habang ang araw ay nananatili, at kasintagal ng buwan, sa buong panahon ng mga salinlahi! Siya nawa'y maging gaya ng ulan na bumabagsak sa damong tinabas, gaya ng ambon na dumidilig sa lupa. Sa kanyang mga araw nawa'y lumaganap ang matuwid, at ang kapayapaan ay sumagana, hanggang sa mawala ang buwan. Magkaroon nawa siya ng kapangyarihan mula sa dagat hanggang sa kabilang dagat, at mula sa Ilog hanggang sa mga dulo ng lupa! Ang mga naninirahan sa ilang nawa sa kanya ay magsiyukod, at himuran ng kanyang mga kaaway ang alabok! Ang mga hari nawa ng Tarsis at ng mga pulo ay magdala sa kanya ng mga kaloob; ang mga hari nawa sa Sheba at Seba ay magdala ng mga kaloob! Lahat nawa ng mga hari ay magsiyukod sa harap niya, lahat ng mga bansa ay maglingkod sa kanya! Sapagkat kanyang inililigtas ang nangangailangan kapag ito'y nananawagan, ang dukha at ang taong walang kadamay. Siya'y maaawa sa mahina at nangangailangan, at ililigtas ang buhay ng mga nangangailangan. Sa panggigipit at karahasan, buhay nila'y kanyang tutubusin; at magiging mahalaga ang kanilang dugo sa kanyang paningin. Mabuhay nawa siya nang matagal, at ang ginto ng Sheba sa kanya nawa'y ibigay! Ipanalangin nawa siyang palagian, at hingin ang mga pagpapala para sa kanya sa buong araw! Magkaroon nawa ng saganang trigo sa lupa; sa mga tuktok ng mga bundok ito nawa'y umalon; ang bunga nawa niyon ay wawagayway gaya ng Lebanon; at silang mga nasa lunsod nawa ay sumagana, gaya ng damo sa lupa. Ang kanyang pangalan nawa ay manatili kailanman; ang kanyang pangalan nawa ay maging bantog hanggang ang araw ay sumikat! Ang mga tao nawa ay pagpalain sa pamamagitan niya, at tawagin siyang mapalad ng lahat ng mga bansa. Purihin ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel, na siya lamang ang gumagawa ng mga bagay na kahanga-hanga. Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan magpakailanman; mapuno nawa ang buong lupa ng kanyang kaluwalhatian. Amen at Amen. Ang mga panalangin ni David, na anak ni Jesse ay dito natapos. Tunay na ang Diyos ay mabuti sa Israel, sa mga taong ang puso'y malilinis. Ngunit tungkol sa akin, ang mga paa ko'y halos natisod, ang mga hakbang ko'y muntik nang nadulas. Sapagkat ako'y nainggit sa palalo; aking nakita ang kaginhawahan ng masama. Sapagkat walang mga hapdi ang kanilang kamatayan, at ang kanilang katawan ay matataba. Sila'y wala sa kaguluhan na gaya ng ibang mga tao; hindi sila nagdurusa na gaya ng ibang mga tao. Kaya't ang kanilang kuwintas ay kapalaluan, ang karahasan ay tumatakip sa kanila bilang bihisan. Ang kanilang mga mata ay lumuluwa sa katabaan, ang kanilang mga puso ay umaapaw sa kahangalan. Sila'y nanlilibak at nagsasalita na may kasamaan, sila'y nagsasalita mula sa kaitaasan. Kanilang inilagay ang kanilang mga bibig sa mga langit, at ang kanilang dila ay nagpapagala-gala sa ibabaw ng lupa. Kaya't bumabalik dito ang kanyang bayan, at tubig ng kasaganaan ay iniinom nila. At kanilang sinasabi, "Paanong nalalaman ng Diyos? May kaalaman ba sa Kataas-taasan?" Narito, ang mga ito ang masasama; laging tiwasay, sa kayamanan ay sumasagana. Sa walang kabuluhan ay pinanatili kong malinis ang aking puso, at ang aking mga kamay sa kawalang-sala ay hinuhugasan ko. Sapagkat buong araw ako ay pinahihirapan, at tuwing umaga ay napaparusahan. Kung aking sinabi, "Ako'y magsasalita ng ganito;" ako'y hindi magiging tapat sa salinlahi ng mga anak mo. Ngunit nang aking isipin kung paano ito uunawain, sa akin ay parang napakahirap na gawain, hanggang sa ako'y pumasok sa santuwaryo ng Diyos, saka ko naunawaan ang kanilang katapusan. Tunay na sa madudulas na dako sila'y iyong inilalagay, iyong ibinabagsak sila sa kapahamakan. Gaya na lamang ang pagkawasak nila sa isang iglap, tinatangay na lubusan ng mga sindak! Sila'y gaya ng panaginip kapag nagigising ang isang tao, sa pagkagising ang kanilang larawan ay hinahamak mo. Nang ang aking kaluluwa ay nagdamdam, nang ang kalooban ko'y nasaktan, ako'y naging hangal at mangmang; ako'y naging gaya ng hayop sa harapan mo. Gayunman ako'y kasama mong palagian, inaalalayan mo ang aking kanang kamay. Sa iyong payo ako'y iyong pinapatnubayan, at pagkatapos ay tatanggapin mo ako sa kaluwalhatian. Anong mayroon ako sa langit kundi ikaw? at liban sa iyo'y wala akong anumang ninanasa sa lupa. Ang aking laman at ang aking puso ay maaaring manghina, ngunit ang Diyos ang lakas ng aking puso at bahagi ko magpakailanman. Sapagkat narito, malilipol silang malayo sa iyo; ang lahat na hindi tapat sa iyo ay winakasan mo. Ngunit para sa akin, ang pagiging malapit ng Diyos ay aking kabutihan; ginawa kong aking kanlungan ang Panginoong DIYOS, upang aking maisaysay ang lahat ng iyong mga gawa. O Diyos, bakit mo kami itinakuwil magpakailanman? Bakit ang iyong galit ay umuusok laban sa mga tupa ng iyong pastulan? Alalahanin mo ang iyong kapulungan na iyong binili noong una, na iyong tinubos upang maging lipi ng iyong mana! At ang bundok ng Zion na iyong tinahanan. Itaas mo ang iyong mga hakbang sa mga walang hanggang guho; winasak ng kaaway ang lahat ng bagay sa santuwaryo! Ang mga kaaway mo'y nagsisisigaw sa gitna ng iyong dakong tagpuan, itinaas nila ang kanilang mga watawat na palatandaan. Sila'y tila mga tao na nagtaas ng mga palakol sa kagubatan ng mga punungkahoy. At lahat ng mga kahoy na nililok ay kanilang binasag ng palakol at mga pamukpok. Kanilang sinunog ang iyong santuwaryo; hanggang sa lupa, nilapastangan nila ang tahanang dako ng pangalan mo. Sinabi nila sa kanilang sarili, "Ganap namin silang lulupigin," kanilang sinunog ang lahat ng dakong tagpuan ng Diyos sa lupain. Hindi namin nakikita ang aming mga palatandaan; wala nang propeta pa; at walang sinuman sa amin na nakakaalam kung hanggang kailan. O Diyos, hanggang kailan manlilibak ang kaaway? Lalapastanganin ba ng kaaway ang iyong pangalan magpakailanman? Bakit mo iniuurong ang iyong kamay? Mula sa loob ng iyong dibdib, puksain mo sila! Gayunman ang Diyos na aking Hari ay mula nang una, na gumagawa ng pagliligtas sa gitna ng lupa. Hinawi mo ang dagat sa pamamagitan ng iyong kalakasan, binasag mo ang mga ulo ng mga dambuhala sa mga tubigan. Dinurog mo ang mga ulo ng Leviatan, ibinigay mo siya bilang pagkain para sa mga nilalang sa ilang. Ang mga bukal at mga batis ay iyong binuksan, iyong tinuyo ang mga batis na palagiang dinadaluyan. Iyo ang araw at ang gabi man; iyong inihanda ang mga tanglaw at ang araw. Itinakda mo ang lahat ng mga hangganan ng daigdig; iyong ginawa ang tag-init at ang taglamig. Alalahanin mo ito, O PANGINOON, kung paanong nanlilibak ang kaaway, at isang masamang bayan ang lumalait sa iyong pangalan. Sa mababangis na hayop, ang kaluluwa ng iyong kalapati ay huwag mong ibigay, huwag mong kalimutan ang buhay ng iyong dukha magpakailanman. Magkaroon ka ng pagpapahalaga sa iyong tipan; sapagkat ang madidilim na dako ng lupa ay puno ng mga tahanan ng karahasan. Ang naaapi nawa'y huwag bumalik na may kahihiyan; purihin nawa ng dukha at nangangailangan ang iyong pangalan. Bumangon ka, O Diyos, ang usapin mo'y ipaglaban; alalahanin mo kung paanong nililibak ka ng masasama buong araw! Huwag mong kalilimutan ang sigawan ng iyong mga kaaway, ang ingay ng iyong mga kaaway na patuloy na pumapailanglang! Kami ay nagpapasalamat sa iyo, O Diyos; kami ay nagpapasalamat, malapit ang iyong pangalan. Ang mga kagila-gilalas mong gawa ay sinasaysay ng mamamayan. At sa aking piniling takdang panahon, may katarungan akong hahatol. Kapag ang lupa ay nayayanig at ang lahat ng mga naninirahan dito, ako ang nagpapatatag sa mga haligi nito. (Selah) Aking sinabi sa hambog, "Huwag kang magyabang," at sa masama, "Huwag mong itaas ang iyong sungay; huwag mong itaas ang iyong sungay nang mataas, huwag kang magsalita nang may matigas na ulo." Sapagkat hindi mula sa silangan, o mula sa kanluran, ni mula man sa ilang ang pagkataas; kundi ang Diyos ang hukom, ang isa'y ibinababa at ang iba'y itinataas naman. Sapagkat sa kamay ng PANGINOON ay may isang kopa, may alak na bumubula, hinalong totoo; at kanyang ibubuhos ang laman nito, tunay na ang masasama sa lupa ay ibubuhos at iinumin ang latak nito. Ngunit ako'y magpapahayag magpakailanman, ako'y aawit ng mga papuri sa Diyos ni Jacob. Lahat ng mga sungay ng masama ay aking puputulin, ngunit ang mga sungay ng matuwid ay itataas. Sa Juda ang Diyos ay kilala, ang kanyang pangalan sa Israel ay dakila. Natatag sa Salem ang kanyang tahanan, sa Zion ang kanyang dakong tirahan. Doo'y binali niya ang humahagibis na mga palaso, ang kalasag, ang tabak, at mga sandata sa pakikidigma. (Selah) Ikaw ay maluwalhati, higit na marangal, kaysa mga bundok na walang hanggan. Ang matatapang ay inalisan ng kanilang samsam, sila'y lumubog sa pagkakatulog, at wala sa mga mandirigma ang makagamit ng kanilang mga kamay. Sa iyong saway, O Diyos ni Jacob, ang mangangabayo at ang kabayo ay nahandusay sa mahimbing na pagkakatulog. Ngunit ikaw, ikaw ay kakilakilabot! Sinong makakatayo sa iyong harapan, kapag minsang ang galit ay napukaw? Mula sa langit ang hatol ay iyong ipinarinig, ang lupa ay natakot, at tumahimik, nang ang Diyos ay bumangon sa paghatol, upang iligtas ang lahat ng naaapi sa sandaigdigan. (Selah) Tunay na pupurihin ka ng poot ng tao; ang nalabi sa poot ay ibibigkis mo sa iyo. Mamanata ka sa PANGINOON mong Diyos, at tuparin mo ang mga iyon, magdala nawa ng mga kaloob ang lahat ng nasa kanyang palibot, sa kanya na nararapat pag-ukulan ng takot, siyang pumuputol ng espiritu ng mga pinuno, na kinatatakutan ng mga hari sa mundo. Ang aking tinig ay papailanglang sa Diyos, at ako'y dadaing ng malakas; ang aking tinig ay papailanglang sa Diyos, at papakinggan niya ako. Hinahanap ko ang Panginoon sa araw ng aking kaguluhan; sa gabi'y nakaunat ang aking kamay, at hindi nangangalay; ang kaluluwa ko'y tumatangging mabigyang kaaliwan. Naaalala ko ang Diyos, at ako'y nababalisa; nang ako'y nagdaramdam, ang diwa ko'y nanlulupaypay. (Selah) Pinigilan mong magsara ang talukap ng aking mga mata, ako'y totoong naguguluhan at hindi ako makapagsalita. Ginugunita ko ang mga unang araw, ang mga taong nagdaan. Sa gabi'y nakikipag-usap ako sa aking puso; ako'y magbubulay-bulay sa aking puso at ang aking diwa ay magsisiyasat. "Magtatakuwil ba ang Panginoon magpakailanman? At hindi na ba muling masisiyahan? Ang kanya bang tapat na pag-ibig ay huminto na magpakailanman? Ang kanya bang mga pangako sa lahat ng panahon ay nawakasan? Nakalimot na ba ang Diyos na maging mapagbiyaya? Sa kanya bang galit ay isinara niya ang kanyang awa? (Selah) At aking sinabi, "Ipinaghihinagpis ko na ang kanang kamay ng Kataas-taasan ay nagbago." Aking gugunitain ang mga gawa ng PANGINOON; Oo, aking aalalahanin ang mga kahanga-hangang gawa mo noong unang panahon. Ako'y magbubulay-bulay sa lahat mong mga gawa, at magmumuni tungkol sa iyong mga gawa. Ang iyong daan, O Diyos, ay banal. Sinong diyos ang dakila na gaya ng aming Diyos? Ikaw ang Diyos na gumagawa ng mga kababalaghan, na nagpahayag ng iyong kalakasan sa gitna ng mga bayan. Tinubos mo ng iyong kamay ang iyong bayan, ang mga anak ni Jacob at ni Jose. (Selah) Nang makita ka ng tubig, O Diyos; nang makita ka ng tubig, sila'y natakot: Oo, ang kalaliman ay nanginig. Ang alapaap ay nagbuhos ng tubig; nagpakulog ang himpapawid, ang mga palaso mo ay humagibis sa bawat panig. Ang tunog ng iyong kulog ay nasa ipu-ipo; pinagliwanag ng mga kidlat ang daigdig; ang lupa ay nanginig at nayanig. Ang daan mo'y nasa dagat, ang landas mo'y nasa malalaking tubig; gayunman ang bakas mo'y hindi nakita. Iyong pinatnubayan ang iyong bayan na parang kawan sa pamamagitan ng kamay ni Moises at ni Aaron. O bayan ko, sa aking turo ay makinig; ikiling ninyo ang inyong mga tainga sa mga salita ng aking bibig. Aking bubuksan ang aking bibig sa isang talinghaga; ako'y magsasalita ng malalabong pananalita mula pa noong una, mga bagay na aming narinig at nalaman, na sinabi sa amin ng aming mga magulang. Ang mga iyon sa kanilang mga anak ay hindi namin ikukubli, kundi sasabihin sa darating na salinlahi, ang maluluwalhating gawa ng PANGINOON, at ang kanyang kalakasan, at ang kanyang mga kahanga-hangang gawa na kanyang ginawa. Sa Jacob siya'y nagtatag ng patotoo, at sa Israel ay nagtalaga ng kautusan, na kanyang iniutos sa aming mga magulang, upang sa kanilang mga anak ay kanilang ituro naman; upang malaman ang mga iyon ng susunod na salinlahi, ng mga batang di pa ipinapanganak, na magsisibangon at sasabihin ang mga iyon sa kanilang mga anak, upang kanilang ilagak ang kanilang pag-asa sa Diyos, at hindi malimutan ang mga gawa ng Diyos, kundi ingatan ang kanyang mga utos; upang huwag silang maging gaya ng kanilang mga ninuno, isang matigas ang ulo at salinlahing mapanghimagsik, isang salinlahing ang puso ay di ginawang matuwid, at ang kanilang diwa ay di-tapat sa Diyos. Ang mga anak ni Efraim ay mga mamamana, na may sandatang pana, ay nagsitalikod sa araw ng pakikidigma. Ang tipan ng Diyos ay hindi nila iningatan, kundi tumangging lumakad ayon sa kanyang kautusan. Kanilang nalimutan ang mga nagawa niya, at ang mga himalang ipinakita niya sa kanila. Sa paningin ng kanilang mga magulang ay gumawa siya ng mga kababalaghan, sa lupain ng Ehipto, sa kaparangan ng Zoan. Hinawi niya ang dagat at pinaraan niya sila roon, at kanyang pinatayo ang tubig na parang isang bunton. Sa araw ay pinatnubayan niya sila sa pamamagitan ng ulap, at sa buong gabi ay sa pamamagitan ng apoy na nagliliyab. Kanyang biniyak ang mga bato sa ilang, at pinainom niya sila ng sagana na gaya ng mula sa mga kalaliman. Nagpabukal siya ng mga batis mula sa bato, at nagpaagos ng tubig na parang mga ilog. Gayunma'y lalo pa silang nagkasala laban sa kanya, na naghihimagsik laban sa Kataas-taasan sa ilang. At kanilang sinubok ang Diyos sa puso nila, sa paghingi ng pagkain na kanilang pinakananasa. Sila'y nagsalita laban sa Diyos, na nagsasabi, "Makakapaghanda ba ang Diyos ng hapag sa ilang? Upang tubig ay dumaloy ang bato'y kanyang hinataw, at ang mga bukal ay umapaw. Makapagbibigay rin ba siya ng tinapay, o makapagdudulot ng karne sa kanyang bayan?" Kaya't nang marinig ng PANGINOON, siya'y napuno ng poot, isang apoy ang nag-alab laban sa Jacob, ang kanyang galit naman ay lumaki laban sa Israel; sapagkat sa Diyos sila'y hindi nanampalataya, at sa kanyang kaligtasan sila'y hindi nagtiwala. Gayunma'y ang langit sa itaas ay kanyang inutusan, at ang mga pintuan ng langit ay kanyang binuksan; at kanyang pinaulanan sila ng manna na makakain, at binigyan sila ng butil ng langit. Kumain ang tao ng tinapay ng mga anghel; kanyang pinadalhan sila ng saganang pagkain. Pinahihip niya ang hanging silangan sa kalangitan, at sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, pinarating niya ang hanging timugan. Kanyang pinaulanan sila ng karne na parang alabok, ng mga ibong may pakpak na parang buhangin sa mga dagat; pinalagpak niya ang mga iyon sa gitna ng kanilang kampo, sa palibot ng kanilang mga tinitirhan. At sila'y kumain at nabusog na mainam, sapagkat ibinigay niya sa kanila ang kanilang kinasasabikan. Ngunit bago nabigyang kasiyahan ang kanilang pananabik, samantalang ang pagkain ay nasa kanila pang mga bibig, ang galit ng Diyos ay nag-alab laban sa kanila, at pinatay niya ang pinakamalakas sa kanila, at sinaktan ang mga piling lalaki ng Israel. Sa kabila ng lahat ng ito ay patuloy pa rin silang nagkasala; sa kabila ng kanyang mga kababalaghan ay hindi sila sumampalataya. Kaya't kanyang winakasan ang kanilang mga araw sa walang kabuluhan, at ang kanilang mga taon sa biglang kakilabutan. Nang kanyang pagpapatayin sila, siya'y kanilang hinanap; sila'y nagsisi at hinanap ang Diyos nang masikap. Kanilang naalala na ang kanilang malaking bato ay ang Diyos, ang Kataas-taasang Diyos ang kanilang manunubos. Ngunit kanilang tinuya siya ng bibig nila, nagsinungaling sila sa kanya sa pamamagitan ng kanilang mga dila. Sapagkat ang puso nila ay hindi tapat sa kanya, ni naging tapat man sila sa tipan niya. Gayunman siya, palibhasa'y mahabagin, pinatawad niya ang kanilang kasamaan at hindi sila nilipol; madalas na pinipigil niya ang kanyang galit, at hindi pinupukaw ang lahat niyang poot. Kanyang naalala na sila'y laman lamang; isang dumaraang hangin at hindi na muling babalik. Kaydalas na naghimagsik sila laban sa kanya sa ilang, at sa disyerto siya'y kanilang pinagdamdam. Ang Diyos ay tinukso nilang paulit-ulit, at ang Banal ng Israel ay kanilang ginalit. Hindi nila inalaala ang kanyang kapangyarihan, ni ang araw nang kanyang tubusin sila mula sa kalaban; nang gawin niya sa Ehipto ang kanyang palatandaan, at ang kanyang mga kababalaghan sa kaparangan ng Zoan. Ginawa niyang dugo ang mga ilog nila, upang hindi sila makainom sa kanilang mga sapa. Kanyang pinadalhan sila ng mga pulutong ng mga bangaw, na lumamon sa kanila; at ng mga palaka, na sa kanila'y pumuksa. Ibinigay niya sa higad ang kanilang mga halaman, at ang bunga ng kanilang paggawa sa balang. Sinira niya ang kanilang ubasan ng ulang yelo, at ng namuong hamog ang kanilang mga sikomoro. Ibinigay niya sa yelong-ulan ang kanilang mga hayop, at ang kanilang mga kawan sa mga kidlat at kulog. Sa kanila'y pinakawalan niya ang bangis ng kanyang galit, poot, bagsik, at ligalig, isang pulutong ng mga pumupuksang anghel. Para sa kanyang galit gumagawa siya ng daraanan; ang kanilang kaluluwa ay hindi niya iniligtas sa kamatayan, kundi ibinigay sa salot ang kanilang buhay. Ang lahat ng panganay sa Ehipto ay kanyang pinatay, ang unang labas ng kanilang lakas sa mga tolda ni Ham. Pagkatapos ay inakay niya na parang mga tupa ang kanyang bayan, at pinatnubayan sila sa ilang na parang kawan. At kanyang tiwasay na inakay sila, kaya't hindi sila nasindak; ngunit ang kanilang mga kaaway ay tinabunan ng dagat. At kanyang dinala sila sa kanyang lupaing banal, sa bundok na pinagtagumpayan ng kanyang kanang kamay. Pinalayas niya ang mga bansa sa kanilang harapan, at sa pamamagitan ng pising panulat pinagbaha-bahagi niya ang mga ito bilang pamana, at ang mga lipi ng Israel sa kanilang mga tolda'y pinatahanan. Gayunma'y kanilang sinubukan at naghimagsik sila sa Diyos na Kataas-taasan, at ang kanyang mga patotoo ay hindi iningatan; kundi tumalikod at gumawang may kataksilan na gaya ng kanilang mga magulang; sila'y bumaluktot na gaya ng mandarayang pana. Sapagkat kanilang ginalit siya sa pamamagitan ng kanilang matataas na dako, kanilang pinapanibugho siya sa pamamagitan ng kanilang mga larawang nililok. Nang marinig ito ng Diyos, sa poot siya ay napuspos, at ang Israel ay kinayamutang lubos. Kanyang pinabayaan ang kanyang tahanan sa Shilo, ang tolda na kanyang inilagay sa gitna ng mga tao; at ibinigay sa pagkabihag ang kanyang kalakasan, ang kanyang kaluwalhatian sa kamay ng kaaway. Ibinigay niya ang kanyang bayan sa espada, at ibinulalas ang kanyang poot sa kanyang mana. Nilamon ng apoy ang kanilang kabinataan, at ang mga dalaga nila'y walang awit ng kasalan. Ang kanilang mga pari ay ibinuwal ng tabak; at ang mga balo nila'y hindi makaiyak. Nang magkagayon ang Panginoon sa pagtulog ay gumising, gaya ng malakas na tao na sumisigaw dahil sa pagkalasing. At sinaktan niya sa likod ang kanyang mga kaaway; sa walang hanggang kahihiyan, kanya silang inilagay. Ang tolda ni Jose ay kanyang itinakuwil, hindi niya pinili ang lipi ni Efraim; kundi ang lipi ni Juda ang kanyang pinili, ang bundok ng Zion na kanyang minamahal. Itinayo niya ang kanyang santuwaryo na gaya mga kataasan, gaya ng lupa na kanyang itinatag magpakailanman. Pinili niya si David na lingkod niya, at kanyang kinuha siya mula sa kulungan ng mga tupa. Mula sa pag-aalaga ng mga pasusuhing tupa siya ay kanyang dinala, upang maging pastol ng Jacob na bayan niya, ng Israel na kanyang pamana. Kaya't siya'y nagpastol sa kanila ayon sa katapatan ng kanyang puso, at kanyang pinatnubayan sila ng sanay na mga kamay. O Diyos, ang mga pagano sa iyong mana ay dumating, kanilang dinungisan ang iyong templong banal; ang Jerusalem sa mga guho ay kanilang inilagay. Ang mga katawan ng iyong mga lingkod ay ibinigay nila bilang pagkain sa mga ibon sa himpapawid, ang laman ng iyong mga banal sa mga hayop sa lupa. Ang kanilang dugo ay parang tubig na ibinuhos nila sa palibot ng Jerusalem; at walang sinumang sa kanila'y maglibing. Kami'y naging tampulan ng pagtuya sa aming mga kalapit, ang mga nasa palibot namin kami'y nililibak at nilalait. Hanggang kailan, O PANGINOON? Magagalit ka ba habang panahon? Ang iyo bang mapanibughong poot ay mag-aalab na parang apoy? Ibuhos mo ang iyong galit sa mga bansang hindi kumikilala sa iyo, at sa mga kaharian na hindi tumatawag sa pangalan mo! Sapagkat ang Jacob ay kanilang nilapa, at ang kanyang tahanan ay kanilang giniba. Huwag mong alalahanin laban sa amin ang kasamaan ng aming mga ninuno, mabilis nawang dumating ang iyong kahabagan upang salubungin kami, sapagkat kami ay lubhang pinababa. Tulungan mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan, para sa kaluwalhatian ng iyong pangalan; iligtas mo kami at patawarin ang aming mga kasalanan, alang-alang sa iyong pangalan. Bakit sasabihin ng mga bansa, "Nasaan ang kanilang Diyos?" Nawa'y ang paghihiganti para sa dugong nabuhos ng iyong mga lingkod ay malaman ng mga bansa sa harap ng aming mga mata. Ang daing ng mga bilanggo'y dumating nawa sa iyong harapan, ayon sa iyong dakilang kapangyarihan iligtas mo ang mga nakatakdang mamatay! Ibalik mo ng pitong ulit sa sinapupunan ng aming mga kalapit-bansa ang mga pagkutyang ikinutya nila sa iyo, O Panginoon. Kung gayon kaming iyong bayan, ang mga tupa sa iyong pastulan, ay magpapasalamat sa iyo magpakailanman; sa lahat ng salinlahi ang papuri sa iyo'y aming isasalaysay. O Pastol ng Israel, iyong pakinggan, ikaw na pumapatnubay kay Jose na parang kawan; ikaw na nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin, ikaw ay magliwanag sa harapan ng Efraim, ng Benjamin at ng Manases! Pakilusin mo ang iyong kapangyarihan, at pumarito ka upang kami'y iligtas. Panunumbalikin mo kami, O Diyos; paliwanagin mo ang iyong mukha, upang kami ay maligtas! O PANGINOONG Diyos ng mga hukbo, hanggang kailan ka magagalit sa dalangin ng bayan mo? Iyong pinakain sila ng tinapay ng mga luha, at binigyan mo sila ng maiinom na mga luhang sagana. Ginawa mo kaming kaalitan sa aming mga kalapit-bansa, at ang mga kaaway namin ay nagtatawanang sama-sama. Panunumbalikin mo kami, O Diyos ng mga hukbo; paliwanagin mo ang iyong mukha upang kami ay maligtas! Ikaw ay nagdala ng isang puno ng ubas mula sa Ehipto; iyong pinalayas ang mga bansa, at itinanim mo ito. Inihanda mo ang lupa para doon, ito'y nag-ugat nang malalim at pinuno ang lupain. Ang mga bundok ay natakpan ng lilim niyon, ang malalaking sedro at ang mga sanga nito, ang kanyang mga sanga hanggang sa dagat ay umabot, at ang kanyang mga supling hanggang sa Ilog. Bakit mo ibinagsak ang mga pader niya, anupa't lahat ng dumaraan ay pumipitas ng kanyang bunga? Sinisira ito ng baboy-damo na mula sa kagubatan, at nanginginain doon ang lahat ng gumagalaw sa parang. Bumalik kang muli, O Diyos ng mga hukbo, isinasamo namin sa iyo. Tumungo ka mula sa langit, at masdan mo; pahalagahan mo ang puno ng ubas na ito, ang punong itinanim ng kanang kamay mo, at sa anak na iyong pinalaki para sa iyong sarili. Sinunog nila iyon sa apoy, iyon ay kanilang pinutol; sa saway ng iyong mukha sila'y nalipol! Ipatong nawa ang iyong kamay sa tao ng kanang kamay mo, sa anak ng tao na iyong pinalakas para sa sarili mo. Sa gayo'y hindi kami tatalikod sa iyo; bigyan mo kami ng buhay, at tatawag kami sa pangalan mo. Panunumbalikin mo kami, O PANGINOONG Diyos ng mga hukbo; paliwanagin mo ang iyong mukha, upang kami ay maligtas! Umawit kayo nang malakas sa Diyos na ating kalakasan; sumigaw sa Diyos ni Jacob dahil sa kagalakan! Umawit kayo at patunugin ninyo ang pandereta, ang masayang lira at ang alpa. Hipan ninyo ang trumpeta kapag bagong buwan, sa kabilugan ng buwan, sa ating araw ng pagdiriwang. Sapagkat ito ay isang tuntunin para sa Israel, isang batas ng Diyos ni Jacob. Ginawa niya itong patotoo sa Jose, nang siya'y lumabas sa lupain ng Ehipto. Ako'y nakarinig ng tinig na hindi ko kilala: "Pinagaan ko ang pasan sa iyong balikat; ang iyong mga kamay ay pinabitiw sa basket. Ikaw ay tumawag nang nasa kaguluhan, at iniligtas kita; sinagot kita sa lihim na dako ng kulog; sinubok kita sa tubig ng Meriba. (Selah) O bayan ko, habang kita'y pinaaalalahanan, ako'y iyong dinggin, O Israel, kung ikaw sana'y makikinig sa akin! Hindi magkakaroon ng ibang diyos sa inyo; at huwag kang yuyukod sa ibang diyos. Ako ang PANGINOON mong Diyos, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Ehipto. Buksan mo nang maluwang ang iyong bibig, at ito'y aking pupunuin. "Ngunit ang aking bayan ay hindi nakinig sa aking tinig; hindi ako sinunod ng Israel. Kaya't ipinaubaya ko sila sa pagmamatigas ng kanilang puso, upang sumunod sa kanilang sariling mga payo. O kung ako sana'y papakinggan ng aking bayan, ang Israel ay lalakad sa aking mga daan! Pasusukuin ko kaagad ang kanilang mga kaaway, at ibabaling ko ang aking kamay laban sa kanilang mga kalaban. Ang mga napopoot sa PANGINOON ay yuyuko sa kanya, at ang kanilang panahon ay magtatagal kailanman. Pakakainin kita ng pinakamabuting trigo, at bubusugin kita ng pulot na mula sa bato." Kinuha ng Diyos ang kanyang lugar sa kapisanan ng Diyos; siya'y humahatol sa gitna ng mga diyos. "Hanggang kailan kayo hahatol ng di-makatarungan, at magpapakita ng pagsang-ayon sa masama? (Selah) Bigyan ninyo ng katarungan ang mahina at ulila; panatilihin ang karapatan ng napipighati at dukha. Sagipin ninyo ang mahina at nangangailangan; iligtas ninyo sila sa kamay ng masama." Wala silang kaalaman o pang-unawa, sila'y lumalakad na paroo't parito sa kadiliman; lahat ng saligan ng lupa ay nayayanig. Aking sinasabi, "Kayo'y mga diyos, kayong lahat ay mga anak ng Kataas-taasan. Gayunma'y mamamatay kayong tulad ng mga tao, at mabubuwal na gaya ng sinumang pinuno." Bumangon ka, O Diyos, hatulan mo ang lupa; sapagkat iyo ang lahat ng mga bansa! O Diyos, huwag kang tumahimik; huwag kang manahimik o maging walang kibo, O Diyos! Sapagkat ang mga kaaway mo'y nagkakagulo, silang napopoot sa iyo ay nagtaas ng kanilang mga ulo. Sila'y naghanda ng mga tusong panukala laban sa iyong bayan, sila'y nagsanggunian laban sa iyong mga iniingatan. Kanilang sinasabi, "Pumarito kayo, bilang isang bansa'y pawiin natin sila, upang ang pangalan ng Israel ay huwag nang maalala pa!" Oo, sila'y nagsabwatan na may pagkakaisa, laban sa iyo ay nagtipanan sila — ang mga tolda ng Edom at ng mga Ismaelita; ang Moab at ang mga Hagrita, ang Gebal, ang Ammon, at ang Amalek; ang Filisteo at ang mga taga-Tiro; ang Asiria ay kumampi rin sa kanila; sila ay maging bisig sa mga anak ni Lot. (Selah) Gawin mo sa kanila ng gaya sa Midian; gaya ng kay Sisera at kay Jabin sa Ilog ng Kison, na namatay sa Endor; na naging dumi para sa lupa. Gawin ang kanilang mga maharlika na gaya nina Oreb at Zeeb; lahat nilang mga pinuno na gaya nina Zeba at Zalmuna; na nagsabi, "Angkinin natin para sa ating sarili ang mga pastulan ng Diyos." O Diyos ko, gawin mo silang gaya ng alabok na paikut-ikot, parang dayami sa harap ng hangin. Gaya ng apoy na sumusunog ng gubat, gaya ng liyab na tumutupok ng mga bundok; kaya't habulin mo sila ng iyong bagyo, at takutin mo sila ng iyong buhawi! Punuin mo ang kanilang mga mukha ng kahihiyan, O PANGINOON, upang hanapin nila ang iyong pangalan. Mapahiya at masiraan nawa sila ng loob magpakailanman; malipol nawa sila at mapahiya. Malaman nawa nila na ikaw lamang, na PANGINOON ang pangalan, ang sa buong lupa ay Kataas-taasan. Napakaganda ng tahanan mo, O PANGINOON ng mga hukbo! Ang kaluluwa ko'y nananabik, Oo, nanghihina para sa mga bulwagan ng PANGINOON; ang puso ko't laman ay umaawit sa kagalakan sa buhay na Diyos. Maging ang maya ay nakakatagpo ng bahay, at ang layang-layang ay ng pugad para sa kanya, na mapaglalagyan niya ng kanyang inakay, O PANGINOON ng mga hukbo, sa mga dambana mo, Hari ko, at Diyos ko. Mapalad silang naninirahan sa bahay mo, na laging umaawit ng pagpupuri sa iyo! (Selah) Mapalad ang mga tao na ang mga kalakasan ay nasa iyo; na ang mga daan tungo sa Zion ay nasa kanilang puso. Sa kanilang pagdaan sa libis ng Baca, ay ginawa nila itong dako ng mga bukal; kinakalatan din ito ng mga pagpapala ng maagang ulan. Sila'y humahayo sa lakas at lakas, ang Diyos ng mga diyos ay makikita sa Zion. PANGINOONG Diyos ng mga hukbo, pakinggan mo ang aking panalangin, pakinggan mo, O Diyos ni Jacob. (Selah) Masdan mo ang aming kalasag, O Diyos, tingnan mo ang mukha ng iyong pinahiran ng langis! Sapagkat ang isang araw sa iyong mga bulwagan ay mabuti kaysa isang libo saanman. Nanaisin ko pang maging tanod sa pintuan sa bahay ng aking Diyos, kaysa tumahan sa mga tolda ng kasamaan. Sapagkat ang PANGINOONG Diyos ay araw at kalasag, siya'y nagbibigay ng biyaya at karangalan. Walang mabuting bagay ang ipagkakait ng PANGINOON sa mga nagsisilakad nang matuwid. O PANGINOON ng mga hukbo, mapalad ang taong nagtitiwala sa iyo! PANGINOON, ikaw ay naging mabuti sa iyong lupain, ibinalik mo ang kayamanan ng Jacob. Pinatawad mo ang kasamaan ng iyong bayan, pinatawad mo ang lahat nilang kasalanan. (Selah) Inalis mo ang lahat ng poot mo, tumalikod ka sa bangis ng galit mo. O Diyos ng aming kaligtasan, muli mo kaming panumbalikin, at alisin mo ang iyong galit sa amin. Magagalit ka ba sa amin magpakailanman? Ipagpapatuloy mo ba ang iyong galit sa lahat ng salinlahi? Hindi ba kami ay muling bubuhayin mo, upang ang iyong bayan ay magalak sa iyo? O PANGINOON, ipakita mo sa amin ang iyong tapat na pagsuyo, at ipagkaloob mo sa amin ang pagliligtas mo. Aking papakinggan kung ano ang sasabihin ng Diyos na PANGINOON, sapagkat siya'y magsasalita ng kapayapaan sa kanyang bayan at sa kanyang mga banal, ngunit huwag silang muling manumbalik sa kahangalan. Tunay na ang kanyang pagliligtas ay malapit sa kanila na natatakot sa kanya; upang ang kaluwalhatian ay manahan sa aming lupain. Magsasalubong ang tapat na pag-ibig at katapatan, ang katuwiran at kapayapaan ay maghahalikan. Bubukal sa lupa ang katotohanan, at tumitingin mula sa langit ang katuwiran. Oo, ibibigay ng PANGINOON kung ano ang mabuti; at ang ating lupain ay magbibigay ng kanyang ani. Mangunguna sa kanya ang katuwiran, at ang kanyang mga yapak ay gagawing daan. Ikiling mo ang iyong pandinig, O PANGINOON, at ako'y sagutin mo, sapagkat dukha at nangangailangan ako. Ingatan mo ang aking buhay, sapagkat ako'y banal na tao. Ikaw na aking Diyos, iligtas mo ang iyong lingkod na nagtitiwala sa iyo. O Panginoon, maawa ka sa akin, sapagkat sa buong araw sa iyo ako'y dumaraing. Pasayahin mo ang kaluluwa ng lingkod mo, sapagkat sa iyo, O Panginoon itinataas ko ang kaluluwa ko. Sapagkat ikaw, Panginoon, ay mabuti at mapagpatawad, sagana sa tapat na pag-ibig sa lahat ng sa iyo ay tumatawag. Pakinggan mo, O PANGINOON, ang aking panalangin, pakinggan mo ang tinig ng aking daing. Sa araw ng aking kaguluhan ay tumatawag ako sa iyo; sapagkat sinasagot mo ako. Walang gaya mo sa gitna ng mga diyos, O Panginoon; ni mayroong anumang mga gawang gaya ng sa iyo. Lahat ng mga bansa na iyong nilalang ay darating at sasamba sa harapan mo, O Panginoon; at ang iyong pangalan ay kanilang luluwalhatiin. Sapagkat ikaw ay dakila at gumagawa ng kahanga-hangang mga bagay, ikaw lamang ang Diyos. O PANGINOON, ituro mo sa akin ang iyong daan, upang makalakad ako sa iyong katotohanan; ilakip mo ang aking puso upang matakot sa iyong pangalan. Nagpapasalamat ako sa inyo ng buong puso, O Panginoon kong Diyos, at luluwalhatiin ko ang iyong pangalan magpakailanman. Sapagkat dakila ang iyong tapat na pagsinta sa akin; sa kalaliman na Sheol ay iniligtas mo ang aking kaluluwa. O Diyos, ang mga taong mayabang ay nagbangon laban sa akin, isang pangkat ng malulupit na tao ang nagtatangka sa aking buhay, at hindi ka nila isinaalang-alang sa harapan nila. Ngunit ikaw, O Panginoon, ay Diyos na mahabagin at mapagbiyaya, banayad sa pagkagalit, sa tapat na pag-ibig at katapatan ay sagana. Lingunin mo ako, maawa ka sa akin; ibigay mo ang lakas mo sa iyong lingkod, at iligtas mo ang anak ng iyong lingkod na babae. Pagpakitaan mo ako ng tanda para sa kabutihan, upang makita ng mga napopoot sa akin at mapahiya, sapagkat ikaw, PANGINOON, ay tumulong at umaliw sa akin. Ang kanyang saligan ay nasa mga banal na bundok, minamahal ng PANGINOON ang sa Zion na mga pintuan, higit kaysa lahat ng kay Jacob na tahanan. Maluluwalhating bagay ang ibinabalita tungkol sa iyo, O lunsod ng Diyos. (Selah) Kabilang sa mga nakakakilala sa akin ay binabanggit ko si Rahab at ang Babilonia, narito, ang Filistia at Tiro, kasama ng Etiopia — "Ang isang ito ay ipinanganak doon." At tungkol sa Zion ay sasabihin, "Ang isang ito at ang isang iyon ay ipinanganak sa kanya;" sapagkat mismong ang Kataas-taasan ang magtatatag sa kanya. Ang PANGINOON ay magbibilang habang kanyang itinatala ang mga bayan, "Ang isang ito ay ipinanganak doon." (Selah) Ang mga mang-aawit at mananayaw ay kapwa nagsasabi, "Lahat ng aking mga bukal ay nasa iyo." O PANGINOON, Diyos ng aking kaligtasan, ako'y dumaing araw at gabi sa harap mo. Paratingin mo nawa ang aking panalangin sa harapan mo, ang iyong pandinig sa aking daing ay ikiling mo! Sapagkat ang aking kaluluwa ay puno ng mga kaguluhan, at papalapit sa Sheol ang aking buhay. Ako'y ibinilang sa kanila na bumababa sa Hukay; ako'y taong walang lakas, gaya ng pinabayaan sa gitna ng mga patay, gaya ng pinatay na nakahiga sa libingan, gaya ng mga hindi mo na inaalala, sapagkat sila'y inihiwalay sa iyong kamay. Inilagay mo ako sa pinakamalalim na Hukay, sa madidilim na dako at kalaliman. Ang iyong poot ay mabigat na sa akin ay nakapatong, at iyong sinaktan ako ng lahat mong mga alon. (Selah) Pinalayo mo sa akin ang aking mga kasamahan; ginawa mo akong isang bagay na kanilang katatakutan. Ako'y nakakulong upang ako'y hindi makatakas; dahil sa kalungkutan ay lumabo ang mata ko, O PANGINOON, araw-araw ay tumatawag ako sa iyo, aking iniabot sa iyo ang mga kamay ko. Gagawa ka ba ng mga kababalaghan para sa mga patay? Ang mga patay ba ay babangon upang purihin ka? (Selah) Ang iyo bang tapat na pag-ibig ay ipahahayag sa libingan, o sa Abadon ang iyong katapatan? Ang iyo bang mga kababalaghan ay malalaman sa kadiliman, o ang iyong katuwiran sa lupain ng pagkalimot? O PANGINOON, ako sa iyo'y dumaraing, sa umaga'y dumarating sa harapan mo ang aking panalangin. O PANGINOON, bakit mo itinatakuwil ang aking kaluluwa? Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha sa akin? Pinahihirapan at malapit sa kamatayan mula sa aking kabataan, tiniis ko ang pagkatakot sa iyo, wala akong kakayahan. Ang iyong mabangis na poot ay dumaan sa akin, winasak ako ng iyong mga kakilakilabot na bagay. Kanilang pinaligiran ako na gaya ng tubig sa buong araw; kinubkob nila akong magkakasama. Inalis mo sa akin ang aking mangingibig at kaibigan, ang aking mga kasamahan ay nasa kadiliman. Aking aawitin ang iyong tapat na pag-ibig magpakailanman, O PANGINOON, sa pamamagitan ng aking bibig ay ipahahayag ko sa lahat ng salinlahi ang katapatan mo. Sapagkat aking sinabi, ang tapat na pag-ibig ay matatatag kailanman, itatag mo sa mga langit ang iyong katapatan. "Ako'y nakipagtipan sa aking hinirang, ako'y sumumpa kay David na aking lingkod: 'Ang mga binhi mo'y itatatag ko magpakailanman, at aking itatayo ang iyong trono para sa lahat ng salinlahi.'” (Selah) Purihin nawa ng langit ang iyong mga kahanga-hangang gawa, O PANGINOON, ang katapatan mo sa kapulungan ng mga banal! Sapagkat sino sa langit ang maihahambing sa PANGINOON? Sino sa mga nilalang sa langit ang gaya ng PANGINOON, isang Diyos na kinatakutan sa kapulungan ng mga banal, dakila at kakilakilabot kaysa lahat ng nasa palibot niya? O PANGINOONG Diyos ng mga hukbo, sino ang makapangyarihang gaya mo, O PANGINOON? Ang iyong katapatan ay nakapaligid sa iyo. Iyong pinamumunuan ang pagngangalit ng dagat; kapag tumataas ang mga alon nito, ang mga iyon ay pinatatahimik mo. Iyong dinurog ang Rahab na tulad sa pinatay, pinangalat mo ng iyong makapangyarihang bisig ang iyong mga kaaway. Ang langit ay iyo, maging ang lupa ay iyo, ang sanlibutan at ang lahat ng narito ay itinatag mo. Ang hilaga at ang timog ay iyong nilalang, ang Tabor at ang Hermon ay magalak na nagpuri sa iyong pangalan. Ikaw ay may makapangyarihang bisig; malakas ang iyong kamay, mataas ang iyong kanang kamay. Ang katuwiran at katarungan ang mga saligan ng iyong trono, ang tapat na pag-ibig at katapatan ay nagpapauna sa iyo. Mapalad ang bayan na nakakaalam ng masayang sigaw, na nagsisilakad sa liwanag ng iyong mukha, O PANGINOON; na nagagalak sa iyong pangalan sa buong araw; at itinaas sa pamamagitan ng iyong katuwiran. Sapagkat ikaw ang kaluwalhatian ng kanilang lakas, sa pamamagitan ng iyong kagandahang-loob ang aming tambuli ay itinaas. Sapagkat ang aming kalasag ay mula sa PANGINOON, ang aming hari sa Banal ng Israel. Nang una ay nagsalita ka sa pangitain sa iyong mga tapat na lingkod, at iyong sinabi, "Aking ibinigay ang tulong sa isang makapangyarihan; aking itinaas ang isang hinirang mula sa bayan. Si David na aking lingkod ay aking natagpuan, ng aking banal na langis siya ay aking pinahiran, na sa pamamagitan niya ang aking kamay ay maitatatag, ang bisig ko rin ang magpapalakas sa kanya. Hindi siya malilinlang ng kaaway; ni hindi siya masasaktan ng masama. Dudurugin ko ang kanyang mga kaaway sa harapan niya, at ibubuwal ko ang mga napopoot sa kanya. Ang aking pagtatapat at taimtim na pag-ibig ay magiging kanya, at sa pangalan ko'y matataas ang sungay niya. Aking itatatag ang kanyang kamay sa dagat, at ang kanyang kanang kamay sa mga ilog. Siya'y dadaing sa akin, 'Ikaw ay Ama ko, Malaking Bato ng aking kaligtasan at Diyos ko.' Gagawin ko siyang panganay, ang pinakamataas sa mga hari sa lupa. Iingatan ko para sa kanya magpakailanman ang pag-ibig kong tapat, at ang tipan ko para sa kanya magiging matatag. Aking itatatag ang kanyang lahi magpakailanman, at ang kanyang trono na gaya ng mga araw ng langit. Kung tatalikuran ang aking kautusan ng kanyang mga anak, at hindi lumakad sa aking mga batas, at ang aking mga tuntunin ay kanilang labagin, at ang aking mga utos ay hindi nila sundin, kung magkagayo'y ang kanilang mga pagsuway, sa pamamagitan ng pamalo ay aking parurusahan, at sa pamamagitan ng mga hampas ang kanilang kasamaan. Ngunit hindi ko aalisin sa kanya ang aking tapat na pagmamahal, o maging hindi tunay sa aking katapatan. Ang aking tipan ay hindi ko lalabagin, ni ang salita na lumabas sa aking mga labi ay aking babaguhin. Minsan at magpakailanman ay sumumpa ako sa pamamagitan ng aking kabanalan, kay David ay hindi ako magsisinungaling. Ang kanyang mga lahi ay mananatili magpakailanman; ang kanyang trono ay magiging gaya ng araw sa aking harapan. Gaya ng buwan, ito ay matatatag magpakailanman, at tapat ang saksi sa kalangitan." (Selah) Ngunit ngayo'y iyong itinakuwil at tinanggihan, ikaw ay puno ng galit sa iyong pinahiran ng langis. Iyong tinalikuran ang tipan ng iyong lingkod; dinungisan mo ang kanyang korona sa alabok. Giniba mo ang lahat ng mga pader niya, ang kanyang mga tanggulan ay iginuho mo pa. Sinamsaman siya ng lahat ng dumadaan sa lansangan, siya'y naging katawa-tawa sa kariyang kapwa. Iyong itinaas ang kanang kamay ng kanyang mga kaaway; iyong pinagalak ang lahat niyang mga kalaban. Oo, iyong ibinaligtad ang talim ng kanyang tabak, at hindi mo siya itinayo sa pakikipaglaban. Ginawa mong maglaho ang kanyang kakinangan, at sa lupa'y inihagis mo ang kanyang trono. Iyong pinaikli ang mga araw ng kanyang kabataan, tinakpan mo siya ng kahihiyan. (Selah) O PANGINOON, hanggang kailan ka magkukubli magpakailanman? Ang pagniningas ng iyong poot na parang apoy ay hanggang kailan? Alalahanin mo kung ano ang sukat ng buhay ko, sa anong walang kabuluhan nilalang mo ang lahat ng mga anak ng mga tao! Sinong tao ang mabubuhay at hindi makakakita ng kamatayan? Maililigtas ba niya ang kanyang kaluluwa sa kapangyarihan ng Sheol? (Selah) Panginoon, nasaan ang dati mong tapat na pag-ibig, na iyong isinumpang may katapatan kay David? Alalahanin mo, O PANGINOON, kung paano nilibak ang lingkod mo, kung paanong sa aking dibdib ang paghamak ng mga bayan ay taglay ko, na itinuya ng iyong mga kaaway, O PANGINOON, na sa pamamagitan nito ay kanilang pinagtatawanan ang mga bakas ng iyong pinahiran ng langis. Purihin ang PANGINOON magpakailanman! Amen at Amen. Panginoon, ikaw ay naging aming tahanang dako sa lahat ng salinlahi. Bago nilikha ang mga bundok, o bago mo nilikha ang lupa at ang sanlibutan, ikaw ay Diyos, mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan. Iyong ibinabalik ang tao sa alabok, at iyong sinasabi, "Bumalik kayo, kayong mga anak ng mga tao!" Sapagkat ang isang libong taon sa iyong paningin, ay parang kahapon lamang kapag ito'y nakalipas, o gaya ng isang gabing pagbabantay. Iyong dinadala sila na parang baha, sila'y nakatulog, kinaumagahan ay parang damo na tumutubo; sa umaga ito'y nananariwa at lumalago, sa hapon ito'y nalalanta at natutuyo. Sapagkat ang iyong galit ang sa amin ay tumupok, at sa pamamagitan ng iyong galit kami ay nabagabag. Inilagay mo ang aming kasamaan sa iyong harapan, sa liwanag ng iyong mukha ang lihim naming kasalanan. Sapagkat sa ilalim ng iyong poot, lahat ng aming araw ay lumilipas, na gaya ng buntong-hininga, ang aming mga taon ay nagwawakas. Ang mga taon ng aming buhay ay pitumpung taon, o kung malakas kami ay walumpung taon, ngunit ang mga ito ay hirap at kaguluhan lamang, ang mga ito'y madaling lumipas, at kami ay nawawala. Sinong nakakaalam ng kapangyarihan ng galit mo, at ng iyong galit ayon sa pagkatakot na marapat sa iyo? Kaya't turuan mo kami na bilangin ang aming mga araw, upang kami ay magkaroon ng pusong may karunungan. Manumbalik ka, O PANGINOON! Hanggang kailan pa? Sa iyong mga lingkod ay mahabag ka! Busugin mo kami sa umaga ng iyong tapat na pagmamahal, upang kami ay magalak at matuwa sa lahat ng aming mga araw. Kami ay iyong pasayahin ayon sa dami ng mga araw ng iyong pagpapahirap sa amin, at kasindami ng mga taon na ang kasamaan nakita namin. Mahayag nawa ang gawa mo sa iyong mga lingkod, at ang kaluwalhatian mo sa kanilang mga anak. Sumaamin nawa ang biyaya ng Panginoon naming Diyos, at iyong itatag sa amin ang gawa ng aming mga kamay; Oo, itatag mo ang gawa ng aming mga kamay. Siyang naninirahan sa tirahan ng Kataas-taasan, ay mananatili sa lilim ng Makapangyarihan, sasabihin ko sa PANGINOON, "Aking muog at aking kanlungan, aking Diyos na siya kong pinagtitiwalaan." Sapagkat ililigtas ka niya sa bitag ng maninilo, at sa nakakamatay na salot. Kanyang tatakpan ka ng mga bagwis niya, at sa ilalim ng kanyang mga pakpak ay manganganlong ka; ang kanyang katapatan ay baluti at panangga. Ang mga nakakakilabot sa gabi ay di mo katatakutan, ni ang pana na nagliliparan kapag araw; ni ang salot na lihim na bumubuntot sa kadiliman, ni ang pagkawasak na sumisira sa katanghalian. Mabubuwal sa iyong tabi ang isang libo, sa iyong kanan ay sampung libo, ngunit ito'y hindi lalapit sa iyo. Mamamasdan mo lamang sa pamamagitan ng iyong mga mata, at iyong makikita ang parusa sa masama. Sapagkat ikaw, O PANGINOON, ay aking kanlungan! Ang Kataas-taasan bilang iyong tahanan; walang kasamaang darating sa iyo, walang parusang lalapit sa tolda mo. Sapagkat siya'y magbibilin sa kanyang mga anghel tungkol sa iyo, upang sa lahat ng iyong mga lakad ay ingatan ka. Sa kanilang mga kamay ay dadalhin ka nila, baka sa isang bato'y matisod ang iyong paa. Iyong tatapakan ang leon at ang ulupong, tatapakan mo ng iyong paa ang ahas at batang leon. Sapagkat siya'y kumapit sa akin na may pag-ibig, ililigtas ko siya, iingatan ko siya sapagkat ang aking pangalan ay nalalaman niya. Siya'y tatawag sa akin at sasagutin ko siya; ako'y magiging kasama niya sa kabalisahan, sasagipin ko siya at pararangalan ko siya. Aking bubusugin siya ng mahabang buhay, at ipapakita sa kanya ang aking pagliligtas. Mabuti ang magpasalamat sa PANGINOON, ang umawit ng mga papuri sa iyong pangalan, O Kataas-taasan, ang magpahayag sa umaga ng iyong tapat na pagsuyo, at sa gabi ng katapatan mo, sa tugtugin ng panugtog na may sampung kawad at ng alpa, at sa matunog na himig ng lira. Sapagkat ikaw, PANGINOON, pinasaya mo ako ng iyong gawa; sa mga gawa ng iyong mga kamay ay aawit ako sa kagalakan. Kay dakila ng iyong mga gawa, O PANGINOON! Ang iyong kaisipan ay napakalalim! Ang taong mapurol ay hindi makakaalam; hindi ito mauunawaan ng hangal: bagaman parang damo na ang masama ay lumilitaw, at umuunlad ang mga gumagawa ng kasamaan, sila'y nakatalaga sa pagkawasak magpakailanman, ngunit ikaw, O PANGINOON, ay mataas magpakailanman. Sapagkat, O PANGINOON, ang mga kaaway mo, sapagkat malilipol ang mga kaaway mo; lahat ng mga gumagawa ng kasamaan ay mangangalat. Ngunit itinaas mo ang sungay ko, na gaya ng sa mailap na toro, ng sariwang langis ako'y binuhusan mo. Nakita ng aking mata ang pagbagsak ng aking mga kaaway, narinig ng aking mga tainga ang kapahamakan ng tumitindig laban sa akin. Ang matuwid ay umuunlad na parang puno ng palma, at lumalagong gaya ng sedro sa Lebanon. Sila'y nakatanim sa bahay ng PANGINOON, sila'y lumalago sa mga bulwagan ng aming Diyos. Sila'y namumunga pa rin sa katandaan; sila'y laging puno ng dagta at kasariwaan, upang ipakilala na ang PANGINOON ay matuwid; siya'y aking malaking bato, at walang kasamaan sa kanya. Ang PANGINOON ay naghahari, siya'y nakasuot ng karilagan; ang PANGINOON ay nananamit, siya'y nabibigkisan ng kalakasan. Ang sanlibutan ay kanyang itinatag; hindi ito matitinag. Ang trono mo'y natatag noong una; ikaw ay mula sa walang pasimula. Ang mga baha ay tumaas, O PANGINOON, ang mga baha ay nagtaas ng kanilang ugong; ang mga baha ay nagtaas ng kanilang mga alon. Higit na makapangyarihan kaysa sa dagundong ng maraming tubig, kaysa sa malalakas na hampas ng alon sa dagat, ang PANGINOON sa itaas ay makapangyarihan! Ang iyong mga utos ay tiyak na tiyak; ang kabanalan sa iyong sambahayan ay nararapat, O PANGINOON, magpakailanman. O PANGINOON, ikaw na Diyos ng paghihiganti, ikaw na Diyos ng paghihiganti, magningning ka. Bumangon ka, ikaw na hukom ng lupa, ibigay mo sa palalo ang nararapat sa kanila. O PANGINOON, hanggang kailan ang masama, hanggang kailan magsasaya ang masama? Ibinubuhos nila ang kanilang mga salita, nang may kayabangan, lahat ng gumagawa ng kasamaan ay nagmamalaki. O PANGINOON, kanilang dinurog ang iyong bayan, at ang iyong mana ay sinaktan. Kanilang pinatay ang balo at ang dayuhan, ang ulila ay kanilang pinatay. At kanilang sinasabi, "Hindi nakikita ng PANGINOON, ni hindi pinapansin ng Diyos ni Jacob." Unawain ninyo, kayong mga hangal sa gitna ng bayan! Kailan kayo magiging matatalino, mga hangal? Siyang naglagay ng pandinig, hindi ba siya nakakarinig? Siyang lumikha ng mata, hindi ba siya makakakita? Siyang sumusupil sa mga bansa, hindi ba siya'y nagpaparusa, siya na nagtuturo ng kaalaman? Ang mga pag-iisip ng tao ay ang PANGINOON ang nakakaalam, sila'y gaya lamang ng hiningang walang laman. O PANGINOON, mapalad ang tao na iyong sinusupil, at tinuturuan ng iyong kautusan, upang mabigyan siya ng kapahingahan mula sa mga araw ng kaguluhan, hanggang ang hukay para sa masama ay maihanda. Sapagkat hindi itatakuwil ng PANGINOON ang bayan niya, hindi niya iiwan ang kanyang mana; sapagkat ang katarungan ay babalik sa katuwiran, at ito ay susundin ng lahat ng may matuwid na puso. Sino ang babangon para sa akin laban sa masama? Sinong tatayo para sa akin laban sa mga gumagawa ng kasamaan? Kung ang PANGINOON ay hindi ko naging saklolo, ang kaluluwa ko'y maninirahan na sana sa lupain ng katahimikan. Nang aking sabihin, "Ang aking paa ay dumulas," O PANGINOON, aalalayan mo ako ng iyong pag-ibig na wagas. Kapag sa aking puso ay maraming pag-aalaala, ang iyong mga pag-aliw ay nagpapasaya sa aking kaluluwa. Makakasanib ba sa iyo ang trono ng kasamaan, silang bumabalangkas ng masama sa pamamagitan ng batas? Sila'y nagsasama-sama laban sa buhay ng matuwid, at hinahatulan ng kamatayan ang walang sala. Ngunit ang PANGINOON ay naging aking muog; at ang Diyos ko'y malaking bato na aking kanlungan. At dinala niya sa kanila ang kanilang sariling kasamaan, at papawiin sila dahil sa kanilang kasamaan; papawiin sila ng PANGINOON naming Diyos. O halikayo, tayo'y umawit sa PANGINOON; tayo'y sumigaw na may kagalakan sa malaking bato ng ating kaligtasan! Lumapit tayo sa kanyang harapan na may pagpapasalamat; tayo'y sumigaw na may kagalakan sa kanya ng mga awit ng pagpupuri! Sapagkat ang PANGINOON ay dakilang Diyos, at dakilang Hari sa lahat ng mga diyos. Nasa kanyang kamay ang mga kalaliman ng lupa, ang mga kataasan ng mga bundok ay kanya rin. Ang dagat ay kanya, sapagkat ito'y kanyang ginawa, ang kanyang mga kamay ang lumikha ng tuyong lupa. O parito kayo, tayo'y sumamba at yumukod; tayo'y lumuhod sa harapan ng PANGINOON, ang ating Manlilikha! Sapagkat siya'y ating Diyos, at tayo'y bayan ng kanyang pastulan, at mga tupa ng kanyang kamay. Ngayon kung inyong papakinggan ang kanyang tinig, huwag ninyong papagmatigasin ang inyong puso, gaya sa Meriba, gaya ng araw sa ilang sa Massah, nang tuksuhin ako ng mga magulang ninyo, at ako'y subukin, bagaman nakita na nila ang gawa ko. Apatnapung taong kinamuhian ko ang lahing iyon, at aking sinabi, "Bayan na nagkakamali sa kanilang puso, at hindi nila nalalaman ang aking mga daan." Kaya't sa aking galit ako aysumumpa, na "Sila'y hindi dapat pumasok sa aking kapahingahan.'" O umawit sa PANGINOON ng bagong awit; umawit sa PANGINOON ang buong lupa. Umawit kayo sa PANGINOON, purihin ninyo ang pangalan niya; ipahayag ninyo ang kanyang pagliligtas sa araw-araw. Ipahayag ninyo sa mga bansa ang kanyang kaluwalhatian, ang kagila-gilalas niyang mga gawa sa lahat ng mga bayan! Sapagkat dakila ang PANGINOON, at karapat-dapat na purihin; siya'y dapat katakutan nang higit kaysa lahat na diyos. Sapagkat lahat ng mga diyos sa mga bayan ay mga diyus-diyosan, ngunit ang PANGINOON ang lumikha ng mga kalangitan. Nasa harapan niya ang karangalan at kamahalan, nasa kanyang santuwaryo ang lakas at kagandahan. Ibigay ninyo sa PANGINOON, kayong mga angkan ng mga bayan, ibigay ninyo sa PANGINOON ang kaluwalhatian at kalakasan. Ibigay ninyo sa PANGINOON ang kaluwalhatiang nararapat sa kanyang pangalan; magdala ng handog, at pumasok kayo sa kanyang mga bulwagan! Sambahin ninyo ang PANGINOON sa kagandahan ng kabanalan, manginig kayong buong lupa sa kanyang harapan! Sabihin ninyo sa mga bansa, "Ang PANGINOON ay naghahari! Oo, matatag at hindi makikilos ang sanlibutan, hahatulan niyang may katarungan ang mga bayan." Matuwa nawa ang langit at magalak nawa ang lupa; umugong nawa ang dagat, at ang lahat ng naroroon; maging masaya nawa ang bukiran at lahat ng naroon. Kung gayo'y aawit dahil sa kagalakan ang lahat ng punungkahoy sa gubat sa harapan ng PANGINOON; sapagkat siya'y dumarating, sapagkat siya'y dumarating upang hatulan ang lupa. Kanyang hahatulan na may katuwiran ang sanlibutan, at ng kanyang katotohanan ang mga bayan. Ang PANGINOON ay naghahari! Magalak ang lupa; ang maraming pulo ay matuwa nawa! Nasa palibot niya ang mga ulap at pusikit na kadiliman; ang saligan ng kanyang trono ay katuwiran at kahatulan. Apoy ang nasa unahan niya, at sinusunog ang kanyang kaaway sa buong palibot. Nililiwanagan ng kanyang mga kidlat ang sanlibutan; nakikita ng lupa at ito'y nayayanig. Ang mga bundok ay natunaw na parang pagkit sa harapan ng PANGINOON, sa harapan ng Panginoon ng buong lupa. Ipinahahayag ng langit ang kanyang katuwiran, at namasdan ng lahat ng bayan ang kanyang kaluwalhatian. Mapahiya nawa silang lahat na sumasamba sa mga larawan, na kanilang ipinagmamalaki ang diyus-diyosan; lahat ng mga diyos ay sasamba sa kanya. Narinig ng Zion at siya'y natuwa, at ang mga anak na babae ng Juda ay nagalak, dahil sa iyong mga kahatulan, O Diyos. Sapagkat ikaw, O PANGINOON, ay kataas-taasan sa buong lupa; ikaw ay higit na mataas kaysa lahat ng mga diyos. Kayong nagmamahal sa PANGINOON, kamuhian ninyo ang kasamaan, ang kaluluwa ng kanyang mga banal ay kanyang iniingatan; kanyang sinasagip sila sa kamay ng makasalanan. Ang liwanag ay itinatanim para sa mga matuwid; at ang kagalakan para sa may matuwid na puso. Magagalak kayo sa PANGINOON, kayong mga matuwid; at magpasalamat sa kanyang banal na pangalan. O umawit kayo sa PANGINOON ng bagong awit; sapagkat siya'y gumawa ng mga kagila-gilalas na bagay. Ang kanyang kanang kamay at ang kanyang banal na bisig ay nagbigay sa kanya ng tagumpay. Ipinakilala ng PANGINOON ang kanyang tagumpay, ipinahayag niya sa paningin ng mga bansa ang kanyang katuwiran. Kanyang inalaala ang kanyang tapat na pag-ibig at ang kanyang katapatan sa sambahayan ng Israel. Nakita ng lahat ng mga dulo ng lupa ang kaligtasan ng aming Diyos. Sumigaw ang buong lupa na may kagalakan sa PANGINOON, magpasimula at umawit kayo na may kagalakan at umawit kayo ng mga papuri! Magsiawit kayo ng mga papuri sa PANGINOON sa pamamagitan ng lira; ng lira at ng tunog ng himig! Sa pamamagitan ng mga trumpeta at tunog ng tambuli, sumigaw kayo na may kagalakan sa harapan ng Hari, ang PANGINOON! Humugong ang dagat at ang lahat ng naroon; ang sanlibutan at ang naninirahan doon! Ipalakpak ng mga ilog ang kanilang mga kamay; sama-samang magsiawit ang mga burol dahil sa kagalakan sa harapan ng PANGINOON, sapagkat siya'y darating upang hatulan ang lupa. Kanyang hahatulan ng matuwid ang sanlibutan, at ng katarungan ang mga bayan. Ang PANGINOON ay naghahari, manginig ang taong-bayan! Siya'y nakaupo sa mga kerubin; mayanig ang lupa. Ang PANGINOON ay dakila sa Zion; siya'y higit na mataas sa lahat ng mga bayan. Purihin nila ang iyong dakila at kakilakilabot na pangalan! Siya'y banal! Ang lakas ng Hari, ay umiibig ng katarungan, ikaw ay nagtatag ng pagkakapantay-pantay, ikaw ay nagsagawa ng katarungan at katuwiran sa Jacob. Purihin ninyo ang PANGINOON nating Diyos; magsisamba kayo sa kanyang paanan! Siya'y banal. Sina Moises at Aaron ay kabilang sa kanyang mga pari, si Samuel ay kabilang sa mga nagsisitawag sa kanyang pangalan. Sila'y nagsisitawag sa PANGINOON, at kanyang sinagot sila. Siya'y nagsasalita sa kanila sa haliging ulap; kanilang iningatan ang mga patotoo niya, at ang tuntunin na ibinigay niya sa kanila. O PANGINOON naming Diyos, sinagot mo sila; ikaw ay Diyos na mapagpatawad sa kanila, ngunit isang tagapaghiganti sa mga maling gawa nila. Purihin ninyo ang PANGINOON nating Diyos, at magsisamba kayo sa kanyang banal na bundok; sapagkat ang PANGINOON nating Diyos ay banal! Sumigaw kayo na may kagalakan sa PANGINOON, lahat na mga lupain! Maglingkod kayo sa PANGINOON na may kagalakan; magsilapit kayo sa kanyang harapan na may awitan. Kilalanin ninyo na ang PANGINOON ay Diyos! Siya ang lumalang sa atin, at tayo'y kanya; tayo'y kanyang bayan, at mga tupa ng kanyang pastulan. Magsipasok kayo sa kanyang mga pintuan na may pagpapasalamat, at sa kanyang mga bulwagan na may pagpupuri! Magpasalamat kayo sa kanya, at purihin ninyo ang pangalan niya! Sapagkat ang PANGINOON ay mabuti; ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman; at ang kanyang katapatan ay sa lahat ng salinlahi. Ako'y aawit tungkol sa katapatan at katarungan, sa iyo, O PANGINOON, aawit ako. Aking susundin ang daang matuwid. O kailan ka darating sa akin? Ako'y lalakad sa loob ng aking bahay na may tapat na puso. Hindi ko ilalagay sa harapan ng aking mga mata ang anumang hamak na bagay. Kinapopootan ko ang gawa ng mga tumalikod; hindi ito kakapit sa akin. Ang suwail na puso ay hihiwalay sa akin, hindi ako makakaalam ng masamang bagay. Ang lihim na naninirang-puri sa kanyang kapwa ay aking pupuksain. Ang taong may mapagmataas na tingin at may palalong puso ay hindi ko titiisin. Ang mga mata ko'y itititig ko sa mga tapat sa lupain, upang sila'y makatirang kasama ko. Siya na lumalakad sa sakdal na daan ay maglilingkod sa akin. Walang taong gumagawa ng pandaraya ang tatahan sa aking bahay; walang taong nagsasalita ng kasinungalingan ang mananatili sa aking harapan. Tuwing umaga ay aking lilipulin ang lahat ng masama sa lupain, upang itiwalag ang lahat na manggagawa ng kasamaan sa lunsod ng PANGINOON. O PANGINOON, pakinggan mo ang dalangin ko, dumating nawa ang daing ko sa iyo! Huwag mong ikubli sa akin ang mukha mo sa araw ng kahirapan ko! Ang iyong pandinig sa akin ay ikiling, sa araw na ako'y tumatawag, agad mo akong sagutin! Sapagkat napapawi sa usok ang mga araw ko, at ang mga buto ko'y nagliliyab na parang hurno. Ang puso ko'y nasaktan na parang damo, at natuyo; nalimutan kong kainin ang aking tinapay. Dahil sa lakas ng daing ko, dumidikit sa aking laman ang mga buto ko. Ako'y parang pelikano sa ilang; ako'y gaya ng isang kuwago sa kaparangan. Ako'y gising, ako'y gaya ng malungkot na ibon sa bubungan. Nililibak ako ng aking mga kaaway buong araw; silang nang-iinis sa akin ay gumagamit sa pagsumpa ng aking pangalan. Sapagkat parang tinapay na kinakain ko ang abo, at ang luha sa aking inumin ay inihahalo ko, dahil sa galit at poot mo; sapagkat itinaas at itinapon mo ako. Gaya ng lilim sa hapon ang mga araw ko; ako'y natutuyo na parang damo. Ngunit ikaw, O PANGINOON, ay mamamalagi magpakailanman; namamalagi sa lahat ng salinlahi ang iyong pangalan. Ikaw ay babangon at sa Zion ay maaawa, sapagkat panahon na upang maawa ka sa kanya; ang takdang panahon ay dumating na. Sapagkat pinapahalagahan ng iyong mga lingkod ang kanyang mga bato, at nahahabag sa kanyang alabok. Katatakutan ng mga bansa ang sa PANGINOONG pangalan, at ng lahat ng hari sa lupa ang iyong kaluwalhatian; Sapagkat itatayo ng PANGINOON ang Zion, siya'y magpapakita sa kanyang kaluwalhatian; Kanyang pahahalagahan ang sa hikahos na dalangin, at ang kanilang daing ay hindi hahamakin. Ito'y isusulat tungkol sa lahing susunod, upang ang bayang di pa isinisilang ay magpuri sa PANGINOON: na siya'y tumungo mula sa kanyang banal na kaitaasan, at tumingin ang PANGINOON sa lupa mula sa kalangitan, upang ang daing ng mga bilanggo ay pakinggan, upang palayain ang mga itinakdang mamatay; upang maipahayag ng mga tao sa Zion ang pangalan ng PANGINOON, at sa Jerusalem ang kanyang kapurihan, kapag ang mga taong-bayan ay nagtipun-tipon, at ang mga kaharian upang sumamba sa PANGINOON. Kanyang pinahina ang aking lakas sa daan; kanyang pinaikli ang aking mga araw. Aking sinabi, "O Diyos ko, huwag mo akong kunin sa kalagitnaan ng aking mga araw, ikaw na ang mga taon ay nananatili sa lahat ng salinlahi!" Nang una ang saligan ng lupa ay iyong inilagay, at ang kalangitan ay gawa ng iyong mga kamay. Ikaw ay nananatili, ngunit sila ay mawawala, parang kasuotan silang lahat ay mawawala. Pinapalitan mo sila na gaya ng kasuotan, at sila'y mapapalitan; ngunit ikaw ay nananatili, at ang mga taon mo'y walang katapusan. Ang mga anak ng iyong mga lingkod ay mananatili; ang kanilang mga anak ay matatatag sa iyong harapan. Purihin mo ang PANGINOON, O kaluluwa ko; at lahat ng nasa loob ko, purihin ang kanyang banal na pangalan! Purihin mo ang PANGINOON, O kaluluwa ko, at huwag mong kalimutan ang lahat niyang mga biyaya — na siyang nagpapatawad ng lahat mong mga kasamaan; na siyang nagpapagaling ng lahat mong karamdaman, na siyang tumutubos ng iyong buhay sa Hukay: na siyang nagpuputong sa iyo ng habag at tapat na pagmamahal, na siyang bumubusog sa iyong nasa ng mga mabubuting bagay; anupa't nababago na gaya ng sa agila ang iyong kabataan. Ang PANGINOON ay nagsasagawa ng mga matuwid na gawa at katarungan sa lahat ng naaapi. Kanyang ipinaalam ang kanyang mga daan kay Moises, ang kanyang mga gawa sa mga anak ni Israel. Ang PANGINOON ay mahabagin at mapagbiyaya, hindi magagalitin at sa tapat na pag-ibig ay sagana. Hindi siya laging makikipaglaban, ni pananatilihin ang kanyang galit magpakailanman. Hindi niya tayo pinakikitunguhan ayon sa ating mga kasalanan, ni ginantihan tayo nang ayon sa ating mga kasamaan. Sapagkat kung paanong ang mga langit ay mataas kaysa lupa, ang kanyang tapat na pag-ibig sa mga natatakot sa kanya ay gayon kadakila! Kung gaano ang layo ng silangan sa kanluran, gayon inilayo niya sa atin ang ating mga pagsuway. Kung paanong ang ama ay nahahabag sa mga anak niya, gayon nahahabag ang PANGINOON sa mga natatakot sa kanya. Sapagkat ang ating kalagayan ay kanyang nalalaman, naaalala niya na tayo'y alabok. Tungkol sa tao, ang kanyang mga araw ay parang damo, siya'y lumalagong gaya ng bulaklak sa parang; ito'y dinaanan ng hangin, at ito'y naglaho, at ang mga lugar niyon ay hindi na nalalaman. Ngunit ang tapat na pag-ibig ng PANGINOON ay mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan para sa mga natatakot sa kanya, at ang kanyang katuwiran ay hanggang sa mga anak ng mga anak, sa mga nag-iingat ng tipan niya, at sa nakakaalalang gawin ang mga utos niya. Itinatag ng PANGINOON ang kanyang trono sa mga kalangitan, at naghahari sa lahat ang kanyang kaharian. Purihin ninyo ang PANGINOON, kayong mga anghel niya; kayong mga makapangyarihan sa kalakasan na gumaganap ng kanyang salita, na nakikinig sa tinig ng kanyang salita! Purihin ninyo ang PANGINOON, kayong lahat ng hukbo niya; kayong mga lingkod niya na nagsisigawa ng kanyang kalooban! Purihin ninyo ang PANGINOON, lahat ng kanyang mga gawa, sa lahat ng dako ng kanyang kapamahalaan. Purihin mo ang PANGINOON, O kaluluwa ko. Purihin mo ang PANGINOON, O kaluluwa ko! O PANGINOON kong Diyos, napakadakila mo! Karangalan at kamahalan ang kasuotan mo, na siyang bumabalot ng liwanag sa iyo na parang bihisan; na gaya ng tabing ay nag-unat ng kalangitan; na siyang naglalagay ng mga biga ng kanyang mga matataas na silid sa tubig; na ginawang kanyang karwahe ang mga ulap, na sumasakay sa mga pakpak ng hangin, na ginagawa niyang mga sugo ang mga hangin, at kanyang mga tagapangasiwa ay nagliliyab na apoy. Iyong inilagay ang lupa sa kanyang saligan, upang ito'y huwag mayanig kailanman. Tinakpan mo ito ng kalaliman na tila isang bihisan; ang tubig ay tumatayo sa itaas ng mga bundok. Sa iyong pagsaway ay tumakbo sila, sa ugong ng iyong kulog ay nagsitakas sila. Ang mga bundok ay bumangon, lumubog ang mga libis, sa dakong pinili mo para sa kanila. Ikaw ay naglagay ng hangganan na hindi nila dapat daanan, upang ang lupa ay hindi na nila muling matakpan. Siya'y nagsusugo ng mga bukal sa mga libis; ang mga iyon ay umagos sa pagitan ng mga bundok, kanilang binibigyan ng inumin ang bawat hayop sa parang; pinapawi ng mailap na asno ang kanilang pagkauhaw. Sa tabi nila ay nagkaroon ng kanilang tahanan ang mga ibon sa himpapawid; sila'y nagsisiawit sa mga sanga. Mula sa iyong mga matataas na silid ay dinidilig mo ang mga bundok; sa bunga ng iyong mga gawa ang lupa'y busog. Iyong pinalalago para sa mga hayop ang damo, at ang pananim upang sakahin ng tao, upang siya'y makapagbigay ng pagkain mula sa lupa, at ng alak upang pasayahin ang puso ng tao, ng langis upang paliwanagin ang kanyang mukha, at tinapay upang palakasin ang puso ng tao. Ang mga punungkahoy ng PANGINOON ay busog, ang mga sedro sa Lebanon na kanyang itinanim. Sa mga iyon ay gumagawa ng kanilang mga pugad ang mga ibon; ang tagak ay mayroong kanyang bahay sa puno ng igos. Ang matataas na bundok ay para sa maiilap na kambing; ang malalaking bato ay kanlungan ng mga kuneho. Ginawa mo ang buwan upang takdaan ang mga panahon; nalalaman ng araw ang kanyang panahon ng paglubog. Itinatalaga mo ang kadiliman at ito'y nagiging gabi; nang ang lahat ng mga halimaw sa gubat ay gumagapang. Umuungal ang mga batang leon para sa kanilang biktima, na naghahanap ng kanilang pagkain mula sa Diyos. Kapag ang araw ay sumisikat sila'y nagsisialis, at humihiga sa kanilang mga yungib. Ang tao ay humahayo sa kanyang gawain, at sa kanyang paggawa hanggang sa kinahapunan. O PANGINOON, napakarami ng iyong mga gawa! Sa karunungan ay ginawa mo silang lahat, ang lupa ay puno ng iyong mga nilalang. Nariyan ang dagat, malaki at maluwang, na puno ng mga bagay na di mabilang, ng maliit at malaking bagay na may buhay. Doon nagsisiyaon ang mga sasakyang-dagat, at ang Leviatan na iyong nilikha upang doon ay maglibang. Lahat ng ito sa iyo ay naghihintay, upang mabigyan sila sa tamang panahon ng kanilang pagkain. Iyong ibinibigay sa kanila, ito ay kanilang tinitipon; iyong ibinubukas ang iyong kamay, sila'y napupuno ng mabuburing bagay. Iyong ikinukubli ang iyong mukha, sila'y nangangamba; iyong inalis ang kanilang hininga, sila'y namamatay, at nagsisibalik sa kanilang pagiging alabok. Iyong isinusugo ang iyong Espiritu, sila'y nalilikha, at iyong binabago ang balat ng lupa. Manatili nawa ang kaluwalhatian ng PANGINOON kailanman; magalak nawa ang PANGINOON sa kanyang mga gawa, na siyang tumitingin sa lupa at ito'y nayayanig, na humihipo sa mga bundok at ito'y umuusok! Aawit ako sa PANGINOON habang ako'y nabubuhay; ako'y aawit ng papuri sa aking Diyos, habang ako'y nabubuhay. Maging kalugud-lugod nawa sa kanya ang aking pagbubulay-bulay, para sa akin, ako'y magagalak sa PANGINOON. Malipol nawa ang mga makasalanan sa lupa, at mawala nawa ang masama. O kaluluwa ko! Purihin ang PANGINOON. Purihin ang PANGINOON! O magpasalamat kayo sa PANGINOON, kayo'y magsitawag sa kanyang pangalan; ipabatid ninyo ang kanyang mga gawa sa mga bayan! Umawit kayo sa kanya, umawit kayo sa kanya ng mga papuri; sabihin ninyo ang lahat niyang kahanga-hangang mga gawa! Lumuwalhati kayo sa kanyang banal na pangalan; magagalak ang puso nila na nagsisihanap sa PANGINOON. Hanapin ninyo ang PANGINOON at ang kanyang kalakasan; patuloy ninyong hanapin ang kanyang mukha! Alalahanin ninyo ang mga kahanga-hangang gawa na kanyang ginawa; ang kanyang mga kababalaghan at ang mga kahatulan ng kanyang bibig, O kayong binhi ni Abraham na lingkod niya, mga anak ni Jacob, na mga pinili niya! Siya ang PANGINOON nating Diyos; ang kanyang mga kahatulan ay nasa buong lupa. Kanyang inaalala ang kanyang tipan magpakailanman, ang salita na kanyang iniutos sa libong salinlahi, ang tipan na kanyang ginawa kay Abraham, ang kanyang sinumpaang pangako kay Isaac, na kanyang pinagtibay kay Jacob bilang isang tuntunin, sa Israel bilang isang walang hanggang tipan, na sinasabi, "Sa iyo'y ibibigay ko ang lupain ng Canaan, bilang iyong bahaging pinakamana." Nang sila'y iilan lamang sa bilang; at totoong kakaunti, at doon ay mga dayuhan; na gumagala mula sa isang bansa tungo sa isang bansa, mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan. Hindi niya pinahintulutan ang sinuman na sila ay pagmalupitan; sinaway niya ang mga hari alang-alang sa kanilang sarili: "Huwag ninyong galawin ang aking mga pinahiran; ang aking mga propeta ay huwag ninyong sasaktan." At siya'y nagdala ng taggutom sa lupain; binali niya ang bawat tungkod ng tinapay, siya'y nagsugo ng isang lalaki sa unahan nila, si Jose na ipinagbili bilang alipin. Ang kanyang mga paa ay sinaktan ng mga tanikala, siya'y nilagyan ng kuwelyo na bakal; hanggang sa ang kanyang salita ay maganap; siya ay sinubok ng salita ng PANGINOON. Ang hari ay nagsugo at pinakawalan siya; ang pinuno ng mga bayan, at siya'y pinalaya niya, kanyang ginawa siyang panginoon ng kanyang tahanan, at pinuno ng lahat niyang ari-arian, upang talian ang kanyang mga pinuno ayon sa kanyang nais, at turuan ng karunungan ang kanyang matatanda. At ang Israel ay dumating sa Ehipto; si Jacob ay nakipanirahan sa lupain ng Ham. At ginawang napakabunga ng PANGINOON ang kanyang bayan, at ginawa silang higit na malakas kaysa kanilang mga kaaway. Kanyang ibinaling ang kanilang puso upang mapoot sa kanyang bayan, upang makitungong may katusuhan sa kanyang mga lingkod. Kanyang sinugo si Moises na kanyang lingkod, at si Aaron na kanyang pinili. Kanilang isinagawa ang kanyang kahanga-hangang gawa sa gitna nila, at mga kababalaghan sa lupain ng Ham. Siya'y nagsugo ng mga kadiliman, at nagpadilim, sila'y hindi naghimagsik laban sa kanyang mga salita. Kanyang ginawang dugo ang kanilang tubig, at pinatay ang kanilang mga isda. Ang kanilang lupain ay napuno ng mga palaka, maging sa mga silid-tulugan ng kanilang mga hari. Siya'y nagsalita, at dumating ang mga pulutong na mga langaw, at mga niknik sa buong bayan. Binigyan niya sila ng yelo bilang ulan, at liyab ng apoy sa kanilang lupain. Pinatay niya ang kanilang mga puno ng ubas at mga puno ng igos, at winasak ang mga punungkahoy sa kanilang lupain. Siya'y nagsalita at ang mga balang ay nagsidating, ang mga batang balang na di kayang bilangin, na kinain ang lahat ng pananim sa kanilang lupain, at kinain ang bunga ng kanilang lupain. Pinagpapatay din niya ang lahat ng panganay sa kanilang lupain, ang unang bunga ng lahat nilang kalakasan. At kanyang inilabas sila na may pilak at ginto; at walang sinuman sa kanyang mga lipi ang natisod. Natuwa ang Ehipto nang sila'y magsialis; sapagkat ang pagkatakot nila ay dumating sa kanila. Kanyang inilatag ang ulap bilang panakip, at apoy upang magbigay liwanag sa gabi. Sila'y humingi, at dinalhan niya ng mga pugo, at binigyan niya sila ng saganang tinapay mula sa langit. Kanyang binuksan ang bato at dumaloy ang tubig; ito'y umagos sa ilang na gaya ng ilog. Sapagkat naalala niya ang kanyang banal na salita, at si Abraham na kanyang lingkod. At kanyang inilabas na may kagalakan ang kanyang bayan, at ang kanyang hinirang na may pag-aawitan. At ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng mga bansa; at inangkin nila ang paggawa ng mga tao, upang kanilang ingatan ang kanyang mga tuntunin, at ang kanyang mga kautusan ay sundin. Purihin ang PANGINOON! Purihin ang PANGINOON! O magpasalamat kayo sa PANGINOON, sapagkat siya'y mabuti; sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman. Sinong makapagsasabi ng mga makapangyarihang gawa ng PANGINOON, o makapagpapakita ng lahat niyang kapurihan? Mapalad silang sumusunod sa katarungan, na sa lahat ng panahon ay gumagawa ng katuwiran. Alalahanin mo ako, O PANGINOON, kapag ikaw ay nagpakita sa iyong bayan ng paglingap, dalawin mo ako ng iyong pagliligtas; upang makita ko ang kasaganaan ng iyong hinirang, upang ako'y magalak sa kasayahan ng iyong bansa, upang ako'y lumuwalhati na kasama ng iyong mana. Kami at ang aming mga magulang ay nagkasala; kami ay nakagawa ng kasamaan, kami ay nagsigawa ng masama. Hindi naunawaan ng aming mga magulang ang iyong mga kababalaghan sa Ehipto; hindi nila naalala ang kasaganaan ng iyong mga kagandahang-loob, kundi naghimagsik sa dagat, sa Dagat na Pula. Gayunma'y iniligtas niya sila alang-alang sa kanyang pangalan, upang kanyang maipakilala ang kanyang malakas na kapangyarihan. Kanyang sinaway ang Dagat na Pula, at ito'y natuyo, pinatnubayan niya sila sa mga kalaliman na parang sa ilang. Kaya't iniligtas niya sila sa kamay ng namumuhi, at iniligtas niya sila sa kapangyarihan ng kaaway. At tinabunan ng tubig ang kanilang mga kaaway; walang nalabi sa kanila kahit isa man lamang. Nang magkagayo'y sinampalatayanan nila ang kanyang mga salita; inawit nila ang kanyang kapurihan. Ngunit agad nilang nalimutan ang kanyang mga gawa; hindi nila hinintay ang kanyang payo. Kundi sila'y nagkaroon ng walang pakundangang pananabik nang sila'y nasa ilang, at tinukso nila ang Diyos sa ilang. Ibinigay niya sa kanila ang kanilang hiniling, ngunit nagpadala ng nakapanghihinang karamdaman sa gitna nila. Nang ang mga tao sa kampo ay nanibugho kina Moises at Aaron, na banal ng PANGINOON, ang lupa ay bumuka, at si Datan ay nilamon, at tinabunan ang kay Abiram na pulutong. Nagkaroon din ng sunog sa kanilang pulutong; sinunog ng apoy ang masasama. Sila'y gumawa sa Horeb ng guya, at sumamba sa larawang hinulma. Ganito nila ipinagpalit ang kaluwalhatian sa wangis ng baka na kumakain ng damo. Nalimutan nila ang Diyos, ang kanilang Tagapagligtas, na gumawa ng mga dakilang bagay sa Ehipto, kahanga-hangang mga gawa sa lupain ng Ham, at kakila-kilabot na mga bagay sa Dagat na Pula. Kaya't sinabi niya na kanyang lilipulin sila — kung si Moises na kanyang hirang ay hindi humarap sa kanya sa bitak, upang pawiin ang kanyang poot na puksain sila. Kanilang hinamak ang lupaing maganda, yamang wala silang pananampalataya sa pangako niya. Sila'y nagmaktol sa mga tolda nila, at ang tinig ng PANGINOON ay hindi nila sinunod. Kaya't itinaas niya ang kanyang kamay, na sa ilang sila'y kanyang ibubuwal, at ang kanilang binhi sa mga bansa ay itatapon, at ikakalat sila sa mga lupain. At iniugnay nila ang kanilang sarili sa Baal-peor, at kumain ng mga handog na inialay sa mga patay; kanilang ginalit ang PANGINOON sa pamamagitan ng mga gawa nila, at isang salot ang lumitaw sa gitna nila. Nang magkagayo'y tumayo si Finehas at namagitan, at ang salot ay napigilan. At iyon ay itinuring sa kanya bilang katuwiran, mula sa salinlahi hanggang sa salinlahi magpakailanman. Kanilang ginalit siya sa tubig ng Meriba, at ito'y naging masama kay Moises dahil sa kanila; sapagkat sila'y mapanghimagsik laban sa kanyang diwa, at siya'y nagsalitang padalus-dalos sa kanyang mga labi. Ang mga bayan ay hindi nila nilipol, gaya ng iniutos sa kanila ng PANGINOON; kundi nakihalo sila sa mga bansa, at natuto ng kanilang mga gawa. Sila'y naglingkod sa mga diyus-diyosan nila, na naging bitag sa kanila. Kanilang inialay ang kanilang mga anak na lalaki at ang anak na babae sa mga demonyo, nagbuhos sila ng walang salang dugo, ang dugo ng kanilang mga anak na lalaki at mga anak na babae, na kanilang inialay sa diyus-diyosan ng Canaan; at ang lupain sa dugo ay nadumihan. Gayon sila naging karumaldumal sa pamamagitan ng kanilang mga gawa, at naging upahang babae sa kanilang mga gawa. Kaya't nag-alab ang galit ng PANGINOON laban sa kanyang bayan, at ang kanyang pamana ay kanyang kinasuklaman, sa kamay ng mga bansa ay ibinigay niya sila, kaya't pinamunuan sila ng mga napopoot sa kanila. Pinagmalupitan sila ng kanilang mga kalaban, at sila'y ipinaalipin sa ilalim ng kanilang kapangyarihan. Iniligtas niya sila nang maraming ulit, ngunit sa kanilang mga payo sila'y mapanghimagsik, at sila'y ibinaba dahil sa kanilang kasamaan. Gayunma'y pinahalagahan niya ang kanilang pagtitiis, nang kanyang marinig ang kanilang pagdaing. Kanyang naalala alang-alang sa kanila ang kanyang tipan, at siya'y nagsisi ayon sa kasaganaan ng kanyang tapat na pagmamahal. Ginawa niyang sila'y kaawaan sa harap ng lahat ng bumihag sa kanila. O PANGINOON naming Diyos, kami ay iligtas mo, at mula sa mga bansa kami ay tipunin mo, upang kami'y makapagpasalamat sa iyong banal na pangalan, at lumuwalhati sa iyong kapurihan. Purihin ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel, mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan! At sabihin ng buong bayan, "Amen." Purihin ang PANGINOON! O magpasalamat kayo sa PANGINOON, sapagkat siya'y mabuti; sapagkat magpakailanman ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili. Sabihing gayon ng tinubos ng PANGINOON, na kanyang tinubos mula sa kamay ng kaaway, at tinipon mula sa mga lupain, mula sa silangan at mula sa kanluran, mula sa hilaga at mula sa timugan. Sila'y nagsilaboy sa ilang, sa tapunang lugar, na hindi natagpuan ang daan patungo sa isang bayang matitirahan; gutom at uhaw, ang kanilang kaluluwa ay nanghina. Nang magkagayo'y dumaing sila sa PANGINOON sa kanilang kabagabagan, at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan. Pinatnubayan naman niya sila sa matuwid na daan, patungo sa isang bayang matatahanan. Purihin nila ang PANGINOON dahil sa kanyang tapat na pag-ibig, dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao! Sapagkat kanyang binigyang-kasiyahan ang nauuhaw, at ang gutom na kaluluwa ay binusog niya ng mabubuting bagay. Ang ilan ay nakaupo sa kadiliman at sa anino ng kamatayan, mga bilanggo sa kahirapan at may tanikala, sapagkat sila'y naghimagsik laban sa mga salita ng Diyos, at hinamak ang payo ng Kataas-taasan. Ang kanilang mga puso ay yumuko sa mahirap na paggawa; sila'y nabuwal at walang sumaklolo. Nang magkagayo'y dumaing sila sa PANGINOON sa kanilang kabagabagan, at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan, Inilabas niya sila sa kadiliman at anino ng kamatayan, at sa kanilang mga gapos ay kinalagan. Pasalamatan nila ang PANGINOON dahil sa kanyang tapat na pag-ibig, dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao! Sapagkat kanyang sinira ang mga pintuang tanso, at pinutol ang mga baras na bakal. Mga mangmang dahil sa daan ng kanilang mga kasalanan, at dahil sa kanilang mga kasamaan ay nagdanas ng kahirapan; ang anumang uri ng pagkain ay kinasuklaman ng kanilang kaluluwa, at sila'y nagsilapit sa mga pintuan ng kamatayan. Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa PANGINOON sa kanilang kabagabagan, at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan. Sinugo niya ang kanyang salita, at pinagaling sila, iniligtas niya sila sa kapahamakan. Purihin nawa nila ang PANGINOON dahil sa kanyang tapat na pag-ibig, dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao! At maghandog nawa sila ng mga alay na pasasalamat, at ipahayag ang kanyang mga gawa na may awit ng kagalakan. Silang nagsisibaba sa dagat sa mga sasakyang-dagat, na nangangalakal sa tubig na malalawak; nakita nila ang mga gawa ng PANGINOON, ang kanyang kahanga-hangang mga gawa sa kalaliman. Sapagkat siya'y nag-utos, at itinaas ang maunos na hangin, na nagpataas sa mga alon ng dagat. Sila'y umakyat hanggang sa langit, sila'y nagsibaba sa mga kalaliman; ang kanilang kaluluwa ay natutunaw sa masama nilang kalagayan, sila'y sumuray-suray at nagpagiray-giray na parang taong lasing, at ang kanilang karunungan ay nawala. Nang magkagayo'y dumaing sila sa PANGINOON sa kanilang kahirapan, at iniligtas niya sila sa kanilang kapighatian. Kanyang pinatigil ang bagyo, anupa't ang mga alon ng dagat ay tumahimik. Nang magkagayo'y natuwa sila sapagkat sila'y nagkaroon ng katahimikan, at dinala niya sila sa kanilang nais daungan. Purihin nila ang PANGINOON dahil sa kanyang tapat napag-ibig, at dahil sa kanyang kahanga-hangang mga gawa sa mga anak ng mga tao! Purihin nila siya sa kapulungan ng bayan, at purihin siya sa pagtitipon ng matatanda. Kanyang ginawang ilang ang mga ilog, at tigang na lupa ang mga bukal ng tubig, maalat na ilang ang mabungang lupain, dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon. Kanyang ginawang mga lawa ng tubig ang ilang, at mga bukal ang tuyong lupain. At kanyang pinatitira roon ang gutom, upang sila'y makapagtatag ng bayang matatahanan; at sila'y maghasik sa mga bukid, at magtanim ng mga ubasan, at magtamo ng mga saganang ani. Sila din ay pinagpapala niya at sila'y mas dumarami; at hindi niya hinayaang ang kanilang kawan ay mabawasan. Nang sila'y nawalan at napahiya sa pamamagitan ng pagmamalupit, kaguluhan, at kapighatian, kanyang binuhusan ng paghamak ang mga pinuno, at pinagala sila sa ilang na walang lansangan. Gayunma'y iniupo niya sa mataas ang nangangailangan mula sa kahirapan, at ang kanilang mga angkan ay ginawang parang kawan. Nakikita ito ng matuwid at natutuwa; at tumikom ang bibig ng lahat ng masama. Kung sinuman ang pantas ay unawain niya ang mga bagay na ito, at isaalang-alang niya ang tapat na pag-ibig ng PANGINOON. Ang aking puso ay tapat, O Diyos; ako'y aawit, Oo, ako'y aawit ng mga pagpuri ng aking kaluwalhatian! Kayo'y gumising, alpa at lira! Aking gigisingin ang madaling-araw! Ako'y magpapasalamat sa iyo, O PANGINOON, sa gitna ng mga bayan; ako'y aawit ng mga papuri sa iyo sa gitna ng mga bansa. Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay dakila sa itaas ng mga langit, ang iyong katotohanan ay umaabot sa mga ulap. Dakilain ka, O Diyos, sa itaas ng mga langit! Ang iyo nawang kaluwalhatian ay maging sa ibabaw ng buong lupa! Upang mailigtas ang minamahal mo, tulungan mo ng iyong kanang kamay, at sagutin mo ako! Ang Diyos ay nagsalita sa kanyang santuwaryo: "Ang Shekem ay hahatiin ko, at ang Iibis ng Sucot ay susukatin ko. Ang Gilead ay akin; ang Manases ay akin; ang Efraim ay helmet ng ulo ko; ang Juda'y aking setro. Ang Moab ay aking hugasan; sa Edom ay ihahagis ko ang aking sandalyas; sa ibabaw ng Filistia ay sisigaw ako ng malakas." Sinong magdadala sa akin sa lunsod na may kuta? Sinong maghahatid sa akin sa Edom? Hindi ba't itinakuwil mo na kami, O Diyos? At hindi ka ba hahayong kasama ng aming mga hukbo, O Diyos? Ng tulong laban sa kaaway kami ay pagkalooban mo, sapagkat walang kabuluhan ang tulong ng tao. Kasama ng Diyos ay gagawa kaming may katapangan; siya ang yayapak sa aming mga kalaban. Huwag kang manahimik, O Diyos ng aking pagpupuri! Sapagkat ang masama at mandarayang bibig ay nabuksan laban sa akin, na nagsasalita laban sa akin na may dilang sinungaling. May mga salita ng pagkapoot na ako'y kanilang pinalibutan, at lumaban sa akin nang walang kadahilanan. Kapalit ng aking pag-ibig sila ay mga tagausig ko, ngunit ako ay nasa panalangin. Kaya't ginantihan nila ng masama ang kaburihan ko, at pagkapoot sa pag-ibig ko. "Pumili kayo ng masamang tao laban sa kanya, at tumayo nawa ang isang tagausig sa kanyang kanang kamay. Kapag siya'y nilitis, lumabas nawa siyang nagkasala, at ibilang nawang kasalanan ang kanyang dalangin! Maging kakaunti nawa ang kanyang mga araw, kunin nawa ng iba ang kanyang katungkulan. Ang kanyang mga anak nawa ay maulila, at mabalo ang kanyang asawa! Magsilaboy nawa ang kanyang mga anak, at mamalimos; at hanapin nila ang kanilang pagkain sa kanilang mga guhong tahanan. Samsamin nawa ng nagpapautang ang lahat niyang kayamanan; nakawin nawa ang mga bunga ng kanyang paggawa ng mga dayuhan! Wala nawang maging mabait sa kanya; ni maawa sa kanyang mga anak na ulila! Maputol nawa ang kanyang susunod na lahi, mapawi nawa ang kanyang pangalan sa ikalawang salinlahi! Maalala nawa ng PANGINOON ang kasamaan ng kanyang mga magulang, huwag nawang mapawi ang kasalanan ng kanyang ina! Malagay nawa silang patuloy sa harapan ng PANGINOON, at maputol nawa ang kanyang alaala mula sa lupa! Sapagkat hindi niya naalalang magpakita ng kabaitan, kundi inusig ang dukha at nangangailangan, at ang may bagbag na puso upang patayin. Iniibig niya ang manumpa, kaya't dumating sa kanya! At hindi siya nalugod sa pagpapala, kaya't malayo sa kanya! Nagsusuot siya ng sumpa na parang kanyang damit, at pumasok sa kanyang katawan na parang tubig, sa kanyang mga buto na gaya ng langis! Ito nawa'y maging gaya ng kasuotang kanyang ibinabalabal, gaya ng pamigkis na kanyang ipinamimigkis araw-araw!" Ito nawa ang maging ganti sa mga nagbibintang sa akin mula sa PANGINOON, sa mga nagsasalita ng kasamaan laban sa aking buhay! Ngunit ikaw, O Diyos kong PANGINOON, gumawa ka para sa akin alang-alang sa iyong pangalan, sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay mabuti, iligtas mo ako! Sapagkat ako'y dukha at nangangailangan, at ang aking puso ay nasaktan sa loob ko. Ako'y naglalahong gaya ng anino kapag ito'y humahaba, ako'y nililiglig na gaya ng balang. Ang aking mga tuhod ay mahina dahil sa pag-aayuno, ang aking laman ay nagkukulang ng katabaan. Ako nama'y naging hamak sa kanila, kapag nakikita nila ako, ang ulo nila ay kanilang iniiling. O PANGINOON kong Diyos! Tulungan mo ako; ayon sa iyong tapat na pag-ibig ako ay iligtas mo. Hayaan mong malaman nila na ito'y iyong kamay; ikaw, O PANGINOON, ang gumawa nito! Hayaang sumumpa sila, ngunit magpala ka! Kapag sila'y bumangon sila'y mapapahiya, ngunit ang iyong lingkod ay magagalak! Ang akin nawang mga kaaway ay masuotan ng kawalang-dangal; mabalot nawa sila sa kanilang kahihiyan na gaya ng sa isang balabal! Sa pamamagitan ng aking bibig ay magpapasalamat ako nang napakalaki sa PANGINOON, pupurihin ko siya sa gitna ng maraming tao. Sapagkat siya'y tumatayo sa kanang kamay ng nangangailangan, upang iligtas siya sa mga nagsisihatol sa kanyang kaluluwa. Sinabi ng PANGINOON sa aking panginoon: "Umupo ka sa aking kanan, hanggang sa aking gawing tuntungan ng iyong paa ang iyong mga kaaway." Iuunat ng PANGINOON ang setro ng iyong kalakasan mula sa Zion. Mamuno ka sa gitna ng mga kaaway mo! Kusang-loob na ihahandog ng iyong bayan sa araw ng iyong kapangyarihan sa kagandahan ng kabanalan. Mula sa bukang-liwayway ng umaga, ang iyong kabataan ay darating sa iyo na hamog ang kagaya. Sumumpa ang PANGINOON, at hindi magbabago ang kanyang isipan, "Ikaw ay pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquizedek." Ang Panginoon ay nasa iyong kanang kamay, dudurugin niya ang mga hari sa araw ng kanyang poot. Siya'y maglalapat ng hatol sa mga bansa, kanyang pupunuin sila ng mga bangkay; wawasakin niya ang mga pinuno sa kalaparan ng lupa. Siya'y iinom sa batis sa tabi ng daan; kaya't ang kanyang ulo ay kanyang itataas. Purihin ninyo ang PANGINOON! Ako'y magpapasalamat sa PANGINOON ng aking buong puso, sa kapulungan ng matuwid at sa kapisanan. Dakila ang mga gawa ng PANGINOON, na pinag-aralan ng lahat na nalulugod sa mga iyon. Ang kanyang gawa ay puno ng karangalan at kamahalan, at ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman. Ginawa niyang maalala ang kanyang kahanga-hangang mga gawa, ang PANGINOON ay mahabagin at mapagbiyaya. Siya'y naglalaan ng pagkain sa mga natatakot sa kanya, lagi niyang aalalahanin ang tipan niya. Ipinaalam niya sa kanyang bayan ang kapangyarihan ng kanyang mga gawa, sa pagbibigay niya sa kanila ng mana ng mga bansa. Ang mga gawa ng kanyang mga kamay ay matuwid at makatarungan; ang lahat niyang mga tuntunin ay mapagkakatiwalaan, ang mga iyon ay itinatag magpakailanpaman, ang mga iyon ay ginagawa sa katapatan at katuwiran. Siya'y nagsugo ng katubusan sa kanyang bayan; kanyang iniutos ang kanyang tipan magpakailanman. Banal at kagalang-galang ang kanyang pangalan. Ang pagkatakot sa PANGINOON ay pasimula ng karunungan; ang lahat na nagsisigawa nito ay may mabuting kaunawaan. Ang kanyang kapurihan ay mananatili magpakailanman! Purihin ang PANGINOON! Mapalad ang tao na natatakot sa PANGINOON, na lubos na nagagalak sa kanyang mga utos! Ang kanyang mga binhi ay magiging makapangyarihan sa lupa; ang salinlahi ng matuwid ay magiging mapalad. Nasa kanyang bahay ang mga kayamanan at kariwasaan; at ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman. Ang liwanag ay bumabangon sa kadiliman para sa matuwid, ang PANGINOON ay mapagbiyaya at mahabagin at matuwid. Ito ay mabuti sa taong mapagbigay at nagpapahiram, pananatilihin niya ang kanyang layunin sa katarungan. Sapagkat siya'y hindi makikilos magpakailanman; ang matuwid ay maaalala magpakailanman. Siya'y hindi matatakot sa masasamang balita; ang kanyang puso ay matatag, na sa PANGINOON ay nagtitiwala. Ang kanyang puso ay matatag, hindi siya matatakot, hanggang ang nais niya sa kanyang mga kaaway ay makita niya. Siya'y nagpamudmod, siya ay nagbigay sa dukha; ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman; ang kanyang sungay ay mataas sa karangalan. Makikita ito ng masama at magagalit; pagngangalitin niya ang kanyang mga ngipin at matutunaw; ang nasa ng masama ay mapapahamak. Purihin ang PANGINOON! Purihin ninyo, O mga lingkod ng PANGINOON, purihin ang pangalan ng PANGINOON! Purihin ang pangalan ng PANGINOON mula sa panahong ito at magpakailanman. Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito, ang pangalan ng PANGINOON ay dapat purihin! Ang PANGINOON ay higit na mataas sa lahat ng mga bansa, at ang kanyang kaluwalhatian sa itaas ng kalangitan. Sino ang gaya ng PANGINOON nating Diyos, na nakaupo sa itaas, na nagpapakababang tumitingin sa kalangitan at sa lupa? Ibinabangon niya ang dukha mula sa alabok, at itinataas ang nangangailangan mula, sa bunton ng abo, upang kasama ng mga pinuno ay paupuin sila, mga pinuno ng kanyang bayan ang kanilang kasama. Ginagawa niyang manatili sa bahay ang baog na babae, isang masayang ina ng mga anak. Purihin ang PANGINOON! Nang lumabas ang Israel at sa Ehipto ay nagmula, ang sambahayan ni Jacob mula sa bayang may kakaibang wika, ang Juda ay naging kanyang santuwaryo, ang Israel ay kanyang sakop. Ang dagat ay tumingin at tumakas, ang Jordan ay umatras. ng mga bundok ay nagsiluksong mga tupang lalaki ang kagaya, ang mga burol na parang mga batang tupa. Anong karamdaman mo, O dagat, upang tumakas ka? O Jordan, upang umurong ka? O mga bundok, na kayo'y nagsisiluksong mga tupang lalaki ang kagaya? O mga burol, na parang mga batang tupa? Mayanig ka, o lupa, sa harapan ng PANGINOON, sa harapan ng Diyos ni Jacob; na ginawang tipunan ng tubig ang malaking bato, na bukal ng tubig ang hasaang bato. Huwag sa amin, O PANGINOON, huwag sa amin, kundi sa iyong pangalan ay ibigay ang karangalan, dahil sa iyong tapat na pag-ibig, at dahil sa iyong katapatan! Bakit sasabihin ng mga bansa, "Nasaan ngayon ang kanilang Diyos?" Ang aming Diyos ay nasa mga langit, kanyang ginagawa ang anumang kanyang kagustuhan. Ang kanilang mga diyus-diyosan ay pilak at ginto, gawa ng mga kamay ng mga tao. Sila'y may mga bibig, ngunit hindi nagsasalita; may mga mata, ngunit hindi sila nakakakita. Sila'y may mga tainga, ngunit hindi sila nakakarinig; may mga ilong, ngunit hindi sila nakakaamoy. Mayroon silang mga kamay, ngunit hindi sila nakakadama, may mga paa, ngunit hindi nakakalakad, at hindi gumagawa ng tunog sa kanilang lalamunan. Ang mga gumawa sa kanila ay kagaya nila; gayundin ang lahat ng nagtitiwala sa kanila. O Israel, sa PANGINOON ay magtiwala ka! Kanilang saklolo at kanilang kalasag siya. O sambahayan ni Aaron, sa PANGINOON ay magtiwala kayo! Siya ang kanilang kalasag at saklolo. Kayong natatakot sa PANGINOON, sa PANGINOON ay magtiwala kayo! Siya ang kanilang kalasag at saklolo. Inalaala tayo ng PANGINOON; tayo'y kanyang pagpapalain; ang sambahayan ni Israel ay kanyang pagpapalain; ang sambahayan ni Aaron ay kanyang pagpapalain; pagpapalain niya ang mga natatakot sa PANGINOON, ang mababa kasama ang dakila. Paramihin nawa kayo ng PANGINOON, kayo at ang inyong mga anak! Pagpalain nawa kayo ng PANGINOON, siya na gumawa ng langit at lupa! Ang mga langit ay mga langit ng PANGINOON; ngunit ang lupa ay kanyang ibinigay sa mga anak ng mga tao. Ang patay ay hindi pumupuri sa PANGINOON, ni sinumang bumababa sa katahimikan. Ngunit aming pupurihin ang PANGINOON mula sa panahong ito hanggang sa walang hanggan. Purihin ang PANGINOON! Minamahal ko ang PANGINOON, sapagkat kanyang dininig ang aking tinig at aking mga hiling. Sapagkat ikiniling niya ang kanyang pandinig sa akin, kaya't ako'y tatawag sa kanya habang ako'y nabubuhay. Ang bitag ng kamatayan ay pumalibot sa akin, ang mga hapdi ng Sheol ay nagsihawak sa akin: ako'y nagdanas ng pagkabahala at pagkadalamhati. Nang magkagayo'y sa pangalan ng PANGINOON ay tumawag ako: "O PANGINOON, isinasamo ko sa iyo, iligtas mo ang buhay ko!" Mapagbiyaya at matuwid ang PANGINOON, Oo, ang Diyos namin ay maawain. Iniingatan ng PANGINOON ang mga taong karaniwan; ako'y naibaba at iniligtas niya ako. Bumalik ka sa iyong kapahingahan, O kaluluwa ko; sapagkat pinakitunguhan ka na may kasaganaan ng PANGINOON. Sapagkat iniligtas mo ang aking kaluluwa sa kamatayan, ang mga mata ko sa mga luha, ang mga paa ko sa pagkatisod; Ako'y lalakad sa harapan ng PANGINOON sa lupain ng mga buhay. Ako'y naniwala nang aking sinabi, "Lubhang nahihirapan ako;" sinabi ko sa aking pangingilabot, "Lahat ng tao ay sinungaling." Ano ang aking isusukli sa PANGINOON sa lahat niyang kabutihan saakin? Aking itataas ang saro ng kaligtasan, at tatawag sa pangalan ng PANGINOON, tutuparin ko ang aking mga panata sa PANGINOON, sa harapan ng lahat ng kanyang bayan. Mahalaga sa paningin ng PANGINOON ang kamatayan ng kanyang mga banal. O PANGINOON, ako'y iyong lingkod; ako'y iyong lingkod, anak ng iyong lingkod na babae; iyong kinalag ang aking mga gapos. Ako'y mag-aalay sa iyo ng handog ng pasasalamat, at tatawag sa pangalan ng PANGINOON. Tutuparin ko ang aking mga panata sa PANGINOON, sa harapan ng lahat ng kanyang bayan; sa mga bulwagan ng bahay ng PANGINOON, sa gitna mo, O Jerusalem. Purihin ang PANGINOON! Purihin ang PANGINOON, kayong lahat na mga bansa! Dakilain ninyo siya, kayong lahat na mga bayan! Sapagkat dakila ang kanyang tapat na pag-ibig sa atin; at ang katapatan ng PANGINOON ay nananatili magpakailanman. Purihin ang PANGINOON! O magpasalamat kayo sa PANGINOON, sapagkat siya'y mabuti; ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman. Sabihin ngayon ng Israel, "Ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman." Sabihin ngayon ng sambahayan ni Aaron, "Ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman." Sabihin ngayon ng mga natatakot sa PANGINOON, "Ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman." Tumawag ako sa PANGINOON mula sa aking pagkabalisa, sinagot ako ng PANGINOON, at inilagay ako sa maluwag nadako. Ang PANGINOON ay para sa akin, hindi ako matatakot. Anong magagawa ng tao sa akin? Ang PANGINOON ay kakampi ko, kasama ng mga tumutulong sa akin, ako'y titinging may pagtatagumpay sa mga napopoot sa akin. Higit na mabuti ang manganlong sa PANGINOON kaysa magtiwala sa tao. Higit na mabuti ang manganlong sa PANGINOON kaysa magtiwala sa mga pinuno. Pinalibutan ako ng lahat ng mga bansa; sa pangalan ng PANGINOON, tiyak na pupuksain ko sila. Pinalibutan nila ako, Oo, pinalibutan nila ako, sa pangalan ng PANGINOON, sila ay tiyak na pupuksain ko. Pinalibutan nila akong gaya ng mga pukyutan, sila'y nasunog na parang apoy ng mga dawagan; sa pangalan ng PANGINOON sila'y tiyak na pupuksain ko. Itinulak mo ako nang malakas, anupa't ako'y malapit nang mabuwal, ngunit tinulungan ako ng PANGINOON. Ang PANGINOON ay aking awit at kalakasan, at siya'y naging aking kaligtasan. Ang tunog ng masayang sigawan at kaligtasan ay nasa mga tolda ng matuwid: Ang kanang kamay ng PANGINOON ay gumagawang may katapangan, ang kanang kamay ng PANGINOON ay parangalan, ang kanang kamay ng PANGINOON ay gumagawang may katapangan! Hindi ako mamamatay, kundi mabubuhay, at ang mga gawa ng PANGINOON ay isasalaysay. Pinarusahan akong mabuti ng PANGINOON; ngunit hindi niya ako ibinigay sa kamatayan. Buksan ninyo sa akin ang mga pintuan ng katuwiran; upang ako'y makapasok doon at makapagpasalamat sa PANGINOON. Ito ang pintuan ng PANGINOON; ang matuwid ay papasok doon. Ako'y magpapasalamat sa iyo sapagkat sinagot mo ako at ikaw ay naging kaligtasan ko. Ang batong itinakuwil ng mga nagtayo, ay naging panulok na bato. Ito ang gawa ng PANGINOON; ito ay kagila-gilalas sa ating mga mata. Ito ang araw na ang PANGINOON ang gumawa, tayo'y magalak at matuwa. O PANGINOON, ipinapakiusap namin sa iyo, ikaw ay magligtas! O PANGINOON, ipinapakiusap namin sa iyo, magsugo ka ng kaginhawahan. Mapalad siya na dumarating sa pangalan ng PANGINOON! Pinupuri ka namin mula sa bahay ng PANGINOON. Ang PANGINOON ay Diyos, at binigyan niya kami ng liwanag! Talian ninyo ang hain ng mga panali, sa mga sungay ng dambana. Ikaw ay aking Diyos, at ako'y magpapasalamat sa iyo; ikaw ay aking Diyos, ikaw ay pupurihin ko. O magpasalamat kayo sa PANGINOON, sapagkat siya'y mabuti, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman! Mapalad silang sakdal ang landas, na sa kautusan ng PANGINOON ay lumalakad! Mapalad silang nag-iingat ng kanyang mga patotoo, na hinahanap siya ng buong puso, na hindi rin gumagawa ng kasamaan, kundi lumalakad sa kanyang mga daan. Iniutos mo ang iyong mga tuntunin, upang masikap naming sundin. O maging matatag nawa ang pamamaraan ko sa pag-iingat ng mga tuntunin mo! Kung gayo'y hindi ako mapapahiya, yamang itinuon ko sa lahat ng iyong mga utos ang aking mga mata. Pupurihin kita ng may matuwid na puso, kapag aking natutuhan ang matutuwid mong mga batas. Aking tutuparin ang mga tuntunin mo; O huwag mong ganap na talikuran ako! Paano pananatilihing dalisay ng kabataan ang kanilang daan? Sa pamamagitan ng pag-iingat nito ayon sa iyong salita. Hinanap kita nang buong puso ko; O huwag nawa akong maligaw sa mga utos mo! Iningatan ko ang iyong salita sa aking puso, upang huwag akong magkasala laban sa iyo. Purihin ka, O PANGINOON; ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin! Ipinahahayag ng mga labi ko ang lahat ng mga batas ng bibig mo. Ako'y nagagalak sa daan ng iyong mga patotoo, gaya ng lahat ng kayamanan. Ako'y magbubulay-bulay sa mga tuntunin mo, at igagalang ang mga daan mo. Ako'y magagalak sa iyong mga tuntunin; hindi ko kalilimutan ang iyong salita. Gawan ng mabuti ang iyong lingkod, upang mabuhay ako, at sundin ang salita mo. Buksan mo ang aking mga mata upang makita ko, ang kahanga-hangang mga bagay sa kautusan mo. Ako'y isang dayuhan sa lupain, huwag mong ikubli ang mga utos mo sa akin. Ang puso ko'y nadudurog sa pananabik sa lahat ng panahon sa mga batas mo. Iyong sinasaway ang mga walang galang, ang mga sinumpa na lumalayo sa iyong mga utos. Ang paglibak at pagkutya sa akin ay alisin mo, sapagkat iningatan ko ang iyong mga patotoo. Bagaman ang mga pinuno ay umuupong nagsasabwatan laban sa akin; ang lingkod mo'y magbubulay-bulay sa iyong mga tuntunin. Aking kasiyahan ang iyong mga patotoo, ang mga iyon ay aking mga tagapayo. Dumidikit sa alabok ang kaluluwa ko; muli mo akong buhayin ayon sa iyong salita. Nang ipahayag ko ang aking mga lakad, sinagot mo ako; ituro mo sa akin ang mga tuntunin mo! Ipaunawa mo sa akin ang daan ng mga panuntunan mo, at aking bubulay-bulayin ang kahanga-hangang mga gawa mo. Ang kaluluwa ko'y natutunaw dahil sa kalungkutan; palakasin mo ako ayon sa iyong salita! Ilayo mo sa akin ang mga maling daan; at malugod na ituro mo sa akin ang iyong kautusan! Ang daan ng katapatan ay pinili ko, ang mga tuntunin mo'y inilagay ko sa harapan ko. Ako'y kumapit sa iyong mga patotoo, O PANGINOON; sa kahihiyan ay ilayo mo ako! Ako'y tatakbo sa daan ng mga utos mo, kapag iyong pinalaki ang puso ko! Ituro mo sa akin, O PANGINOON, ang daan ng iyong mga batas, at ito'y aking iingatan hanggang sa wakas. Bigyan mo ako ng pang-unawa upang aking maingatan ang kautusan mo, at akin itong susundin ng buong puso ko. Akayin mo ako sa landas ng mga utos mo, sapagkat aking kinaluluguran ito. Ikiling mo ang aking puso sa iyong mga patotoo, at huwag sa pakinabang. Ilayo mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan; at bigyan mo ako ng buhay sa iyong mga daan. Pagtibayin mo ang iyong pangako sa lingkod mo, na para sa mga natatakot sa iyo. Ilayo mo ang kahihiyan na aking kinatatakutan; sapagkat ang mga batas mo'y mainam. Ako'y nasasabik sa iyong mga panuntunan, bigyan mo ako ng buhay sa iyong katuwiran. O PANGINOON, paratingin mo rin sa akin ang iyong tapat na pagsuyo, ang iyong pagliligtas ayon sa iyong pangako; sa gayo'y may maisasagot ako sa mga taong sa aki'y umaalipusta, sapagkat ako'y nagtitiwala sa iyong salita. At huwag mong lubos na kunin ang salita ng katotohanan mula sa bibig ko, sapagkat ako'y umasa sa mga batas mo. Lagi kong susundin ang iyong kautusan, magpakailanpaman. At lalakad ako na may kalayaan; sapagkat aking hinanap ang iyong mga panuntunan. Magsasalita rin ako tungkol sa iyong mga patotoo sa harapan ng mga hari, at hindi ako mapapahiya. At ako'y natutuwa sa iyong mga utos, na aking iniibig. Itataas ko ang aking mga kamay sa iyong mga utos, na iniibig ko, at ako'y magbubulay-bulay sa mga batas mo. Alalahanin mo ang iyong salita sa lingkod mo, na doo'y pinaasa mo ako. Ito'y aking kaaliwan sa aking kapighatian, na ang iyong pangako ang nagbibigay sa akin ng buhay. Ganap akong pinagtatawanan ng mapagmataas na tao, gayunma'y hindi ako humihiwalay sa kautusan mo. Aking inalaala ang mga batas mo nang una, O PANGINOON, at ako'y naaaliw. Maalab na galit ang humawak saakin, dahil sa masasama na tumalikod sa iyong kautusan. Ang iyong mga tuntunin ay naging aking mga awit sa bahay ng aking paglalakbay. O PANGINOON, aking naalala sa gabi ang iyong pangalan, at sinunod ko ang iyong kautusan. Ito ang tinamo ko, sapagkat aking iningatan ang mga tuntunin mo. Ang PANGINOON ay aking bahagi; aking ipinangangako na tutuparin ang iyong mga salita. Aking hinihiling ang iyong biyaya nang buong puso ko; mahabag ka sa akin ayon sa iyong pangako. Inisip ko ang mga lakad ko, at ibinalik ko ang aking mga paa sa iyong mga patotoo. Ako'y nagmamadali at hindi naaantala na sundin ang iyong mga utos. Pinuluputan ako ng mga panali ng masama; hindi ko nalimutan ang iyong kautusan. Sa hatinggabi ay babangon ako upang ikaw ay purihin, dahil sa iyong mga matuwid na tuntunin. Ako'y kasama ng lahat na natatakot sa iyo, at ng mga tumutupad ng mga tuntunin mo. O PANGINOON, ang lupa ay puno ng tapat na pag-ibig mo, ituro mo sa akin ang mga tuntunin mo! Ginawan mo ng mabuti ang iyong lingkod, O PANGINOON, ayon sa iyong salita. Turuan mo ako ng mabuting pagpapasiya at kaalaman; sapagkat ako'y sumampalataya sa iyong kautusan. Bago ako nagdalamhati ay naligaw ako; ngunit ngayo'y tinutupad ko ang salita mo. Ikaw ay mabuti, at gumagawa ng mabuti; ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin. Ang mayabang ay kumatha ng kabulaanan laban sa akin, ngunit aking tutuparin ang iyong mga tuntunin ng buong puso ko. Ang puso nila ay matabang gaya ng sebo; ngunit ako'y natutuwa sa kautusan mo. Mabuti sa akin na pinapagpakumbaba ako; upang aking matutuhan ang mga tuntunin mo. Ang kautusan ng iyong bibig ay higit na mabuti sa akin kaysa libu-libong pirasong ginto at pilak. Ako'y ginawa at inanyuan ng iyong mga kamay; bigyan mo ako ng pang-unawa, upang ang iyong mga utos ay aking matutuhan. Silang natatakot sa iyo ay makikita ako at matutuwa; sapagkat ako'y umasa sa iyong salita. O PANGINOON, nalalaman ko, na matuwid ang mga pasiya mo, at sa katapatan ay pinangumbaba mo ako. Ang iyo nawang tapat na pag-ibig ay maging kaaliwan sa akin, ayon sa pangako mo sa iyong lingkod. Dumating nawa sa akin ang iyong habag upang ako'y mabuhay, sapagkat ang kautusan mo'y aking katuwaan. Mahiya ang masama, sapagkat pinabagsak nila ako na may katusuhan, para sa akin, ako'y magbubulay-bulay sa iyong mga kautusan. Bumalik nawa sa akin ang natatakot sa iyo, at silang nakakakilala ng iyong mga patotoo. Ang aking puso sa iyong mga tuntunin ay maging sakdal nawa, upang huwag akong mapahiya. Nanghihina ang aking kaluluwa para sa pagliligtas mo; sa iyong salita ay umaasa ako. Nanlalabo ang aking mga mata sa paghihintay sa iyong pangako; aking itinatanong, "Kailan mo ako aaliwin?" Sapagkat ako'y naging parang balat na lalagyan ng alak na nasa usok; hindi ko kinalilimutan ang iyong mga tuntunin. Gaano karami ang mga araw ng iyong lingkod? Kailan mo hahatulan ang mga umuusig sa akin? Ang mapagmataas ay gumawa ng hukay na patibong para saakin, mga taong hindi sang-ayon sa iyong tuntunin. Tiyak ang lahat ng mga utos mo; kanilang inuusig ako ng kasinungalingan, tulungan mo ako. Halos sa ibabaw ng lupa ako ay kanilang winakasan, ngunit ang mga tuntunin mo ay hindi ko tinalikuran. Muli mo akong buhayin ayon sa iyong tapat na pag-ibig, upang aking maingatan ang mga patotoo ng iyong bibig. Magpakailanman, O PANGINOON, ang iyong salita ay natatag sa langit. Nananatili sa lahat ng salinlahi ang iyong katapatan; iyong itinatag ang lupa, at ito'y nananatiling matibay. Sila'y nananatili sa araw na ito ayon sa itinakda mo, sapagkat lahat ng bagay ay mga lingkod mo. Kung ang kautusan mo'y hindi ko naging katuwaan, namatay na sana ako sa aking kalungkutan. Hindi ko kailanman kalilimutan ang mga tuntunin mo; sapagkat sa pamamagitan ng mga iyon ay binigyan mo ako ng buhay. Ako'y iyo, iligtas mo ako, sapagkat aking hinanap ang mga tuntunin mo, Ang masama'y nag-aabang upang patayin ako, ngunit aking kinikilala ang iyong mga patotoo. Aking nakita ang hangganan ng lahat ng kasakdalan; ngunit ang utos mo'y totoong malawak. O, mahal na mahal ko ang iyong kautusan! Ito'y siya kong binubulay-bulay sa buong araw. Ginawa akong higit na marunong kaysa aking mga kaaway ng mga utos mo, sapagkat ito'y laging kasama ko. Ako'y may higit na pang-unawa kaysa lahat ng aking mga guro, sapagkat aking binubulay-bulay ang iyong mga patotoo. Ako'y nakakaunawa ng higit kaysa nakatatanda, sapagkat aking iningatan ang iyong mga salita. Sa lahat ng masamang lakad ay pinigil ko ang mga paa ko, upang aking masunod ang salita mo. Ako'y hindi lumihis sa mga batas mo, sapagkat tinuruan mo ako. Napakatamis ng iyong mga salita sa panlasa ko! higit na matamis kaysa pulot sa bibig ko! Sa pamamagitan ng iyong mga tuntunin ay nagkaroon ako ng kaunawaan; kaya't kinapopootan ko ang bawat huwad na daan. Ilawan sa aking mga paa ang salita mo, at liwanag sa landas ko. Ako'y sumumpa at pinagtibay ko, na aking tutuparin ang matutuwid na mga batas mo. Ako'y lubos na nagdadalamhati, muli mo akong buhayin, O PANGINOON, ayon sa iyong salita. O PANGINOON, ang aking handog na pagpupuri ay tanggapin mo, at ituro mo sa akin ang mga batas mo. Patuloy kong hawak sa kamay ko ang aking buhay, gayunma'y hindi ko kinalilimutan ang iyong kautusan. Ang masama ay naghanda ng bitag para sa akin, gayunma'y hindi ako lumihis sa iyong mga alituntunin. Ang mga patotoo mo'y aking mana magpakailanman; sa aking puso, ang mga ito'y kagalakan. Ikiniling ko ang aking puso upang ganapin ang iyong mga batas, magpakailanman, hanggang sa wakas. Kinasusuklaman ko ang mga taong may salawahang kaisipan, ngunit iniibig ko ang iyong kautusan. Ikaw ang aking kalasag at dakong kublihan; ang iyong salita ang aking inaasahan. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan; upang ang mga utos ng aking Diyos ay aking maingatan. Alalayan mo ako ayon sa iyong pangako upang mabuhay ako, at huwag mo akong hiyain sa pag-asa ko! Alalayan mo ako, upang ako'y maging ligtas, at laging magkaroon ako ng pagpapahalaga sa iyong mga batas. Iyong tinatanggihan silang lahat na naliligaw sa iyong mga kautusan; sapagkat ang kanilang katusuhan ay walang kabuluhan. Inalis mo ang lahat ng masama sa lupa gaya ng basura, kaya't iniibig ko ang iyong mga patotoo. Ang laman ko'y nanginginig dahil sa takot sa iyo; at ako'y takot sa mga hatol mo. Aking ginawa ang tama at makatuwiran; sa mga umaapi sa akin ay huwag mo akong iwan. Maging panagot ka sa ikabubuti ng iyong lingkod, huwag mong hayaang apihin ako ng mayabang. Nanlalabo ang aking mga mata sa paghihintay sa pagliligtas mo, at sa iyong matuwid na pangako. Pakitunguhan mo ang iyong lingkod ng ayon sa iyong tapat na pag-ibig, at ituro mo sa akin ang iyong mga alituntunin. Ako'y lingkod mo; bigyan mo ako ng kaunawaan, upang ang mga patotoo mo ay aking malaman! Panahon na upang kumilos ang PANGINOON, sapagkat ang kautusan mo ay nilabag. Kaya't aking iniibig ang mga utos mo nang higit kaysa ginto, higit kaysa dalisay na ginto. Kaya't aking pinapahalagahan na matuwid ang lahat mong mga tuntunin tungkol sa lahat ng mga bagay; kinasusuklaman ko ang bawat huwad na daan. Kahanga-hanga ang mga patotoo mo, kaya't sila'y iniingatan ng kaluluwa ko. Ang paghahayag ng iyong mga salita ay nagbibigay ng kaliwanagan; nagbibigay ng unawa sa walang karunungan. Binuksan ko ang aking bibig ng maluwag at humihingal ako, sapagkat ako'y nasasabik sa mga utos mo. Manumbalik ka sa akin, at maawa ka sa akin, gaya ng sa umiibig ng iyong pangalan ay kinaugalian mong gawin. Gawin mong matatag ang mga hakbang ko ayon sa iyong pangako, at huwag magkaroon ng kapangyarihan sa akin ang kasamaan. Tubusin mo ako sa kalupitan ng tao, upang aking matupad ang mga tuntunin mo. Paliwanagin mo ang iyong mukha sa lingkod mo, at ituro mo sa akin ang mga alituntunin mo. Inaagusan ng mga luha ang mga mata ko, sapagkat hindi nila tinutupad ang kautusan mo. Matuwid ka, O PANGINOON, at matuwid ang iyong mga hatol. Itinakda mo ang iyong mga patotoo sa katuwiran at sa buong katapatan. Tinunaw ako ng sigasig ko, sapagkat kinalimutan ng aking mga kaaway ang mga salita mo. Totoong dalisay ang salita mo, kaya't iniibig ito ng lingkod mo. Ako'y maliit at hinahamak, gayunma'y hindi ko kinalilimutan ang iyong mga batas. Ang katuwiran mo ay walang hanggang katuwiran, at ang kautusan mo'y katotohanan. Dumating sa akin ang dalamhati at kabagabagan, at ang mga utos mo'y aking kasiyahan. Ang mga patotoo mo'y matuwid magpakailanman; bigyan mo ako ng pang-unawa upang ako'y mabuhay. O PANGINOON, buong puso akong dumadaing, ako'y iyong sagutin, iingatan ko ang iyong mga tuntunin. Ako'y dumadaing sa iyo; iligtas mo ako, upang aking matupad ang mga patotoo mo. Babangon bago magbukang-liwayway at dumadaing ako; ako'y umaasa sa mga salita mo. Ang mga mata ko'y gising sa gabi sa mga pagbabantay, upang sa salita mo ako'y makapagbulay-bulay. Dinggin mo ang tinig ko ayon sa iyong tapat na pagmamahal; O PANGINOON, muli mo akong buhayin ayon sa iyong katarungan. Silang sumusunod sa kasamaan ay lumalapit, sila'y malayo sa iyong mga tuntunin. Ngunit ikaw ay malapit, O PANGINOON; at lahat mong utos ay katotohanan. Noon pa mang una'y natuto na ako sa iyong mga patotoo na magpakailanman ay itinatag mo ang mga ito. Pagmasdan mo ang aking kadalamhatian at iligtas mo ako; sapagkat hindi ko kinalilimutan ang kautusan mo. Ipaglaban mo ang aking layunin, at tubusin mo ako, muling buhayin mo ako ayon sa iyong pangako! Ang kaligtasan ay malayo sa masama, sapagkat hindi nila hinahanap ang iyong mga batas. O PANGINOON, dakila ang kaawaan mo, muling buhayin mo ako ayon sa katarungan mo. Marami ang umuusig sa akin at mga kaaway ko; ngunit hindi ako humihiwalay sa iyong mga patotoo. Namasdan ko ang mga taksil at ako'y nasuklam, sapagkat hindi nila sinusunod ang iyong mga salita. Isaalang-alang mo kung paanong iniibig ko ang mga tuntunin mo! Muling buhayin mo ako ayon sa tapat na pag-ibig mo. Ang kabuuan ng iyong salita ay katotohanan; at bawat isa sa iyong matuwid na batas ay nananatili magpakailanman. Inuusig ako ng mga pinuno nang walang dahilan, ngunit ang puso ko'y namamangha sa iyong mga salita. Ako'y nagagalak sa iyong salita gaya ng isang nakatagpo ng malaking samsam. Aking kinapopootan at kinasusuklaman ang kasinungalingan, ngunit iniibig ko ang iyong kautusan. Pitong ulit sa isang araw ikaw ay pinupuri ko, sapagkat matuwid ang mga batas mo. May dakilang kapayapaan ang mga umiibig sa iyong kautusan, walang anumang sa kanila ay makapagpapabuwal. O PANGINOON, sa iyong pagliligtas ay umaasa ako, at tinutupad ko ang mga utos mo. Sinusunod ng aking kaluluwa ang mga patotoo mo; lubos ko silang minamahal. Aking tinutupad ang iyong mga tuntunin at ang iyong mga patotoo; sapagkat lahat ng aking lakad ay nasa harapan mo. O PANGINOON, sa harapan mo ang aking daing ay dumating nawa; bigyan mo ako ng pagkaunawa ayon sa iyong salita! Sa harapan mo ang aking panalangin ay dumating nawa, iligtas mo ako ayon sa iyong salita. Umawit nawa ng papuri ang mga labi ko, sapagkat itinuturo mo sa akin ang mga batas mo. Awitin nawa ng aking dila ang iyong salita, sapagkat lahat ng mga utos mo ay matuwid. Maging handa nawa ang iyong kamay na tulungan ako, sapagkat aking pinili ang mga alituntunin mo. O PANGINOON, ang iyong pagliligtas ay aking kinasasabikan, at ang iyong kautusan ay aking kasiyahan. Hayaan mo akong mabuhay, upang ako'y makapagpuri sa iyo, at tulungan nawa ako ng mga batas mo. Ako'y naligaw na parang tupang nawala; hanapin mo ang iyong lingkod, sapagkat hindi ko kinalilimutan ang iyong mga utos. Sa aking kahirapan ay sa PANGINOON ako dumaing, at sinagot niya ako. "O PANGINOON, sa mga sinungaling na labi ay iligtas mo ako, mula sa dilang mandaraya." Anong ibibigay sa iyo, at ano pa ang sa iyo ay magagawa, ikaw na mandarayang dila? Matalas na palaso ng mandirigma, na may nag-aapoy na baga ng enebro! Kahabag-habag ako na sa Mesech ay nakikipamayan, na sa mga tolda ng Kedar ay naninirahan. Matagal nang ang aking kaluluwa ay naninirahang kasama ng mga napopoot sa kapayapaan. Ako'y para sa kapayapaan; ngunit kapag ako'y nagsasalita, sila'y para sa pakikidigma! Ang aking mga mata sa burol ay aking ititingin, ang akin bang saklolo ay saan manggagaling? Ang saklolo sa akin ay buhat sa PANGINOON, na siyang gumawa ng langit at lupa. Hindi niya papahintulutang ang paa mo'y madulas; siyang nag-iingat sa iyo ay hindi matutulog. Siyang nag-iingat ng Israel ay hindi iidlip ni matutulog man. Ang PANGINOON ay iyong tagapag-ingat; ang PANGINOON ay lilim mo sa iyong kanan. Hindi ka sasaktan ng araw kapag araw, ni ng buwan man kapag gabi. Iingatan ka ng PANGINOON sa lahat ng kasamaan; kanyang iingatan ang iyong kaluluwa. Ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok ay kanyang iingatan, mula sa panahong ito at magpakailanpaman. Ako'y natuwa nang kanilang sabihin sa akin, "Tayo na sa bahay ng PANGINOON!" Ang mga paa natin ay nakatayo sa loob ng iyong mga pintuan, O Jerusalem; Jerusalem, na natayo na parang lunsod na siksikan; na inaahon ng mga lipi, ng mga lipi ng PANGINOON, gaya ng iniutos para sa Israel, upang magpasalamat sa pangalan ng PANGINOON. Doo'y inilagay ang mga trono para sa paghatol, ang mga trono ng sambahayan ni David. Idalangin ninyo ang sa Jerusalem na kapayapaan! "Guminhawa nawa silang sa iyo ay nagmamahal! Magkaroon nawa sa loob ng inyong mga pader ng kapayapaan, at sa loob ng iyong mga tore ay katiwasayan!" Alang-alang sa aking mga kapatid at mga kaibigan, aking sasabihin, "Sumainyo ang kapayapaan." Alang-alang sa bahay ng PANGINOON nating Diyos, hahanapin ko ang iyong ikabubuti. Sa iyo'y aking itinitingin ang mga mata ko, o ikaw na sa kalangitan ay nakaupo sa trono! Gaya ng mga mata ng mga alipin na nakatingin sa kamay ng kanilang panginoon, gaya ng mga mata ng alilang babae na nakatingin sa kamay ng kanyang panginoong babae, gayon tumitingin ang aming mga mata sa PANGINOON naming Diyos, hanggang sa siya'y maawa sa amin. Maawa ka sa amin, O PANGINOON, maawa ka sa amin, sapagkat labis-labis na ang paghamak sa amin. Ang aming kaluluwa'y lubos na napupuno ng paglibak ng mga nasa kaginhawahan, ng paghamak ng palalo. Kung hindi ang PANGINOON ang naging nasa ating panig, sabihin ngayon ng Israel — kung Hindi ang PANGINOON ang naging nasa panig natin, nang ang mga tao ay magsibangon laban sa atin, nilamon na sana nila tayong buhay, nang ang kanilang galit ay mag-alab laban sa atin; tinabunan na sana tayo ng baha, dinaanan na sana ng agos ang ating kaluluwa; dinaanan na sana ng nagngangalit na mga tubig ang ating kaluluwa; Purihin ang PANGINOON, na hindi tayo ibinigay bilang biktima sa kanilang mga ngipin! Parang ibon sa bitag ng mga manghuhuli na ang ating kaluluwa ay nakatakas, ang bitag ay nasira, at tayo ay nakatakas! Ang saklolo natin ay nasa pangalan ng PANGINOON, na siyang lumikha ng langit at lupa. Ang mga nagtitiwala sa PANGINOON ay gaya ng bundok ng Zion, na hindi makikilos kundi nananatili sa buong panahon. Kung paanong ang mga bundok ay nakapalibot sa Jerusalem, gayon ang PANGINOON ay nakapalibot sa kanyang bayan, mula sa panahong ito at magpakailanman. Sapagkat ang setro ng kasamaan ay hindi mananatili sa lupaing iniukol sa mga matuwid; upang hindi iunat ng mga matuwid ang kanilang mga kamay sa paggawa ng masama. Gawan mo ng mabuti ang mabubuti, O PANGINOON, at ang matutuwid sa kanilang mga puso. Ngunit ang mga lumilihis sa kanilang masasamang lakad, ay itataboy ng PANGINOON na kasama ng mga manggagawa ng kasamaan. Dumating nawa ang kapayapaan sa Israel! Nang ibalik ng PANGINOON ang mga kayamanan ng Zion, tayo ay gaya ng mga nananaginip. Nang magkagayo*y napuno ang ating bibig ng mga tawanan, at ang ating dila ng mga awit ng kagalakan, nang magkagayo'y sinabi nila sa gitna ng mga bansa, "Ang PANGINOON ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa kanila." Ang PANGINOON ay gumawa ng mga dakilang bagay para sa atin, kami ay natutuwa. Ang aming mga bihag, O PANGINOON, ay iyong ibalik, na gaya ng mga batis sa Negeb! Yaon nawang nagsisipaghasik na luhaan, ay mag-ani na may sigaw ng kagalakan! Siyang lumalabas na umiiyak, na may dalang itatanim na mga binhi, ay uuwi na may sigaw ng kagalakan, na dala ang kanyang mga bigkis ng inani. Malibang ang PANGINOON ang magtayo ng bahay, ang mga nagtatayo nito ay walang kabuluhang nagpapagod. Malibang ang PANGINOON ang magbantay sa lunsod, ang bantay ay nagpupuyat nang walang kabuluhan. Walang kabuluhan na kayo'y bumabangon nang maaga, at malalim na ang gabi kung magpahinga, na kumakain ng tinapay ng mga pagpapagal; sapagkat binibigyan niya ng tulog ang kanyang minamahal. Narito, ang mga anak ay pamanang sa PANGINOON nagmula, ang bunga ng sinapupunan ay isang gantimpala. Gaya ng mga palaso sa kamay ng mandirigma, ay ang mga anak sa panahon ng pagkabata. Maligaya ang lalaki na ang kanyang lalagyan ng pana ay puno ng mga iyon! Siya'y hindi mapapahiya, kapag siya'y nakipag-usap sa kanyang mga kaaway sa pintuang-bayan. Ang bawat may takot sa PANGINOON ay mapalad, na sa kanyang mga daan ay lumalakad. Kakainin mo ang bunga ng paggawa ng iyong mga kamay; ikaw ay magiging masaya at ito'y magiging mabuti sa iyo. Ang asawa mo'y magiging gaya ng mabungang puno ng ubas sa loob ng iyong tahanan; ang mga anak mo'y magiging gaya ng mga puno ng olibo sa palibot ng iyong hapag-kainan. Narito, ang taong may takot sa PANGINOON, ay pagpapalain ng ganito. Pagpalain ka ng PANGINOON mula sa Zion! Ang kaunlaran ng Jerusalem ay iyo nawang masaksihan sa lahat ng mga araw ng iyong buhay! Ang mga anak ng iyong mga anak ay iyo nawang mamasdan, mapasa Israel nawa ang kapayapaan! "Madalas nila akong saktan mula sa aking kabataan," sabihin ngayon ng Israel — "Madalas nila akong saktan mula sa aking kabataan, gayunma'y laban sa akin ay hindi sila nagtagumpay. Inararo ng mga mag-aararo ang likod ko; kanilang pinahaba ang mga tudling nila." Matuwid ang PANGINOON; ang mga panali ng masama ay kanyang pinutol. Lahat nawa ng napopoot sa Zion, ay mapahiya at mapaurong! Maging gaya nawa sila ng damo sa mga bubungan, na natutuyo bago pa ito tumubo man, sa mga ito'y hindi pinupuno ng manggagapas ang kanyang kamay, ni ng nagtatali ng mga bigkis ang kanyang kandungan. Hindi rin sinasabi ng mga nagdaraan, "Ang pagpapala nawa ng PANGINOON ay sumainyo! Sa pangalan ng PANGINOON ay binabasbasan namin kayo!" Mula sa kalaliman, O PANGINOON, ako sa iyo'y dumaing! Panginoon, tinig ko'y pakinggan! Mga pandinig mo'y makinig sa tinig ng aking mga karaingan! Kung ikaw, PANGINOON, ay magtatala ng mga kasamaan, O Panginoon, sino kayang makakatagal? Ngunit sa iyo'y may kapatawaran, upang ikaw ay katakutan. Ako'y naghihintay sa PANGINOON, naghihintay ang aking kaluluwa, at sa kanyang salita ako ay umaasa; sa PANGINOON ay naghihintay ang aking kaluluwa, higit pa kaysa bantay sa umaga; tunay na higit pa kaysa bantay sa umaga. O Israel, umasa ka sa PANGINOON! Sapagkat sa PANGINOON ay may tapat na pagmamahal, at sa kanya ay may saganang katubusan. Ang Israel ay tutubusin niya, mula sa lahat niyang pagkakasala. PANGINOON, hindi hambog ang aking puso, ni mayabang man ang mata ko; ni nagpapakaabala sa mga bagay na lubhang napakadakila, o sa mga bagay na para sa akin ay lubhang kamangha-mangha. Tunay na aking pinayapa at pinatahimik ang aking kaluluwa; gaya ng batang inihiwalay sa dibdib ng kanyang ina, gaya ng batang inihiwalay ang aking kaluluwa sa loob ko. O Israel, umasa ka sa PANGINOON mula ngayon at sa walang hanggang panahon. PANGINOON, alalahanin mo para kay David ang lahat ng kanyang kahirapan, kung paanong sumumpa siya sa PANGINOON, at nangako sa Makapangyarihan ni Jacob, "Hindi ako papasok sa aking bahay, ni hihiga sa aking higaan, Mga mata ko'y hindi ko patutulugin, ni mga talukap ng mata ko'y paiidlipin, hanggang sa ako'y makatagpo ng lugar para sa PANGINOON, isang tirahang pook para sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob." Narinig namin ito sa Efrata, natagpuan namin ito sa mga parang ng Jaar. "Tayo na sa kanyang lugar na tirahan; sumamba tayo sa kanyang paanan!" Bumangon ka, O PANGINOON, at pumunta ka sa iyong dakong pahingahan, ikaw at ang kaban ng iyong kalakasan. Ang iyong mga pari ay magsipagbihis ng katuwiran, at sumigaw sa kagalakan ang iyong mga banal. Alang-alang kay David na iyong lingkod, mukha ng iyong binuhusan ng langis ay huwag mong italikod. Ang PANGINOON ay sumumpa kay David ng isang katotohanan, na hindi niya tatalikuran: "Ang bunga ng iyong katawan ay aking ilalagay sa iyong luklukan. Kung iingatan ng iyong mga anak ang aking tipan at ang aking patotoo na aking ituturo sa kanila, magsisiupo rin ang mga anak nila sa iyong trono magpakailanman." Sapagkat pinili ng PANGINOON ang Zion; kanya itong ninasa para sa kanyang tirahan. "Ito'y aking pahingahang dako magpakailanman; sapagkat ito'y aking ninasa, dito ako tatahan. Ang kanyang pagkain ay pagpapalain ko ng sagana; aking bubusugin ng tinapay ang kanyang dukha. Ang kanyang mga pari ay daramtan ko ng kaligtasan, at ang kanyang mga banal ay sisigaw ng malakas sa kagalakan. Doo'y magpapasibol ako ng sungay para kay David, aking ipinaghanda ng ilawan ang aking binuhusan ng langis. Ang kanyang mga kaaway ay daramtan ko ng kahihiyan, ngunit ang kanyang korona ay magbibigay ng kaningningan." Narito, napakabuti at napakaligaya kapag ang magkakapatid ay sama-samang namumuhay na nagkakaisa! Ito'y gaya ng mahalagang langis sa ulo, na tumutulo sa balbas, sa balbas ni Aaron, tumutulo sa laylayan ng kanyang damit! Ito ay gaya ng hamog sa Hermon, na pumapatak sa mga bundok ng Zion! Sapagkat doon iniutos ng PANGINOON ang pagpapala, ang buhay magpakailanman. Halikayo, purihin ninyo ang PANGINOON, kayong lahat na lingkod ng PANGINOON, na nakatayo sa gabi sa bahay ng PANGINOON! Itaas ninyo ang inyong mga kamay sa dakong banal, at ang PANGINOON ay papurihan! Pagpalain ka nawa ng PANGINOON mula sa Zion; siyang gumawa ng langit at lupa! Purihin ang PANGINOON! Purihin ang pangalan ng PANGINOON, magpuri kayo, mga lingkod ng PANGINOON, kayong nagsisitayo sa bahay ng PANGINOON, sa mga bulwagan ng bahay ng ating Diyos! Purihin ang PANGINOON, sapagkat ang PANGINOON ay mabuti; umawit sa kanyang pangalan, sapagkat ito'y kaibig-ibig. Sapagkat pinili ng PANGINOON si Jacob para sa kanyang sarili, ang Israel bilang kanyang sariling pag-aari. Sapagkat nalalaman ko na ang PANGINOON ay dakila, at ang ating Panginoon ay higit sa lahat ng mga diyos. Ginagawa ng PANGINOON anumang kanyang kinalulugdan, sa langit at sa lupa, sa mga dagat, at sa lahat ng mga kalaliman. Siya ang nagpapataas ng mga ulap sa mga dulo ng daigdig, na gumagawa ng mga kidlat para sa ulan at inilalabas ang hangin mula sa kanyang mga kamalig. Siya ang pumatay sa mga panganay sa Ehipto, sa hayop at sa tao; siya, O Ehipto, sa iyong kalagitnaan, ay nagsugo ng mga tanda at mga kababalaghan laban kay Faraon, at sa lahat niyang mga lingkod; na siyang sa maraming bansa ay gumapi, at pumatay sa mga makapangyarihang hari, kay Sihon na hari ng mga Amorita, at kay Og na hari sa Basan, at sa lahat ng mga kaharian ng Canaan, at ibinigay bilang pamana ang kanilang lupain, isang pamana sa kanyang bayang Israel. Ang iyong pangalan, O PANGINOON, ay magpakailanman, ang iyong alaala, O PANGINOON, ay sa lahat ng salinlahi. Sapagkat hahatulan ng PANGINOON ang kanyang bayan, at mga lingkod niya'y kanyang kahahabagan. Ang mga diyus-diyosan ng mga bansa ay pilak at ginto, na gawa ng mga kamay ng mga tao. Sila'y may mga bibig, ngunit hindi sila nagsasalita; mayroon silang mga mata, ngunit hindi sila nakakakita; sila'y may mga tainga, ngunit hindi sila nakakarinig; ni mayroon mang hininga sa kanilang mga bibig. Maging kagaya sila ng mga gumawa sa kanila — Oo, ang bawat nagtitiwala sa kanila! O sambahayan ni Israel, purihin ninyo ang PANGINOON! O sambahayan ni Aaron, purihin ninyo ang PANGINOON! O sambahayan ni Levi, purihin ninyo ang PANGINOON! Kayong natatakot sa PANGINOON, purihin ninyo ang PANGINOON! Purihin ang PANGINOON mula sa Zion, siya na tumatahan sa Jerusalem. Purihin ang PANGINOON! O magpasalamat kayo sa PANGINOON; sapagkat siya'y mabuti; sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman. O magpasalamat kayo sa Diyos ng mga diyos, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman. Ang Panginoon ng mga panginoon ay inyong pasalamatan, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman; siya na tanging gumagawa ng mga dakilang kababalaghan, sapagkat ang kanyang tapat napag-ibigay magpakailanman; siya na sa pamamagitan ng unawa ay ginawa ang kalangitan, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman; siya na naglalatag ng lupa sa ibabaw ng tubig, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman; siya na gumawa ng mga dakilang tanglaw, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman; ng araw upang ang araw aypagharian, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman; ng buwan at mga bituin upang ang gabi'y pamunuan, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman; siya na sa mga panganay sa Ehipto ay pumaslang, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman; at mula sa kanila, ang Israel ay inilabas, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman; sa pamamagitan ng malakas na kamay at ng unat na bisig, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman; siya na sa Dagat na Pula ay humawi, sapagkat ang kanyang tapat napag-ibigay magpakailanman; at sa gitna nito ang Israel ay pinaraan, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman; ngunit nilunod si Faraon at ang kanyang hukbo sa Pulang Dagat, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman; siya na pumatnubay sa kanyang bayan sa ilang, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman; siya na sa mga dakilang hari ay pumatay, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman, at sa mga bantog na hari ay pumaslang, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman; kay Sihon na hari ng mga Amorita, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman; at kay Og na hari ng Basan, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman; at ang kanilang lupain bilang pamana'y ibinigay, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman; isang pamana sa Israel na kanyang tauhan, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman. Siya ang nakaalala sa atin sa ating mababang kalagayan, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman; at iniligtas tayo sa ating mga kaaway, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman; siya na nagbibigay ng pagkain sa lahat ng laman, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman. O magpasalamat kayo sa Diyos ng kalangitan, sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman. Sa tabi ng mga ilog ng Babilonia, doon tayo'y naupo at umiyak; nang ang Zion ay ating maalala; sa mga punong sauce sa gitna nito, ating ibinitin ang mga alpa natin doon. Sapagkat doo'y ang mga bumihag sa atin ay humingi sa atin ng mga awitin, at tayo'y hiningan ng katuwaan ng mga nagpahirap sa atin doon: "Awitin ninyo sa amin ang isa sa mga awit ng Zion." Paano namin aawitin ang awit ng PANGINOON sa isang lupaing banyaga? O Jerusalem, kung kita'y kalimutan, makalimot nawa ang aking kanang kamay! Dumikit nawa ang aking dila sa aking ngalangala, kung hindi kita maalala, kung ang Jerusalem ay hindi ko ilagay sa ibabaw ng aking pinakamataas na kagalakan! Alalahanin mo, O PANGINOON, laban sa mga anak ni Edom ang araw ng Jerusalem, kung paanong sinabi nila, "Ibuwal, ibuwal!" Hanggang sa kanyang saligan! O anak na babae ng Babilonia, ikaw na mangwawasak! Magiging mapalad siya na gumaganti sa iyo ng kabayaran na siyang ibinayad mo sa amin! Magiging mapalad siya na kukuha sa iyong mga musmos, at sa malaking bato sila'y sasalpok. Ako'y nagpapasalamat sa iyo, O PANGINOON, ng aking buong puso; sa harapan ng mga diyos ay aawit ako ng mga papuri sa iyo. Ako'y yuyukod paharap sa iyong banal na templo, at magpapasalamat sa iyong pangalan dahil sa iyong tapat na pag-ibig at katapatan, sapagkat iyong pinadakila ang iyong salita sa iyong buong pangalan. Nang araw na ako'y tumawag ay sinagot mo ako, iyong pinatapang ako ng kalakasan sa aking kaluluwa. Lahat ng mga hari sa lupa ay magpupuri sa iyo, O PANGINOON, sapagkat kanilang narinig ang mga salita ng iyong bibig; at sila'y magsisiawit tungkol sa mga pamamaraan ng PANGINOON; sapagkat dakila ang kaluwalhatian ng PANGINOON. Bagaman ang PANGINOON ay mataas, kanyang pinapahalagahan ang mababa; ngunit ang palalo ay nakikilala niya mula sa malayo. Bagaman ako'y lumalakad sa gitna ng kaguluhan, ako'y iyong muling bubuhayin, iyong iniuunat ang iyong kamay laban sa poot ng aking mga kaaway, at ililigtas ako ng iyong kanang kamay. Tutuparin ng PANGINOON ang kanyang layunin para sa akin; ang iyong tapat na pag-ibig, O PANGINOON, ay magpakailanman. Huwag mong pabayaan ang mga gawa ng iyong mga kamay. O PANGINOON, siniyasat mo ako at nakilala mo ako. Iyong nalalaman kapag ako'y umuupo at kapag ako'y tumatayo; nababatid mo ang aking pag-iisip mula sa malayo. Iyong sinisiyasat ang aking landas at ang paghiga ko, at ang lahat kong mga lakad ay nalalaman mo. Bago pa man magkaroon ng salita sa dila ko, O PANGINOON, lahat ng iyon ay alarn mo. Iyong pinaligiran ako sa likuran at sa harapan, at ipinatong mo sa akin ang iyong kamay. Ang gayong kaalaman ay lubhang kahanga-hanga para sa akin; ito ay matayog, hindi ko kayang abutin. Saan ako pupunta mula sa iyong Espiritu? O saan ako tatakas mula sa harapan mo? Kung ako'y umakyat sa langit, ikaw ay naroon! Kung gawin ko ang aking higaan sa Sheol, ikaw ay naroon! Kung aking kunin ang mga pakpak ng umaga, at sa mga pinakadulong bahagi ng dagat ako'y tumira, doon ma'y papatnubayan ako ng iyong kamay, at hahawakan ako ng iyong kanang kamay. Kung aking sabihin, "Takpan nawa ako ng dilim, at maging gabi ang liwanag na nakapalibot sa akin," kahit ang kadiliman ay hindi madilim sa iyo, at ang gabi ay kasinliwanag ng araw; ang kadiliman at kaliwanagan ay magkatulad sa iyo. Sapagkat hinubog mo ang aking mga nasa loob na bahagi, at sa bahay-bata ng aking ina ako'y iyong hinabi. Ako'y magpapasalamat sa iyo sapagkat ang pagkagawa sa akin ay kakilakilabot at kamanghamangha. Ang iyong mga gawa ay kahangahanga; at iyon ay nalalamang mabuti ng aking kaluluwa. Ang katawan ko'y hindi nakubli sa iyo, nang ako'y lihim na ginagawa, mahusay na binuo sa kalaliman ng lupa. Nakita ng iyong mga mata ang aking wala pang anyong sangkap; at sa iyong aklat bawat isa sa mga iyon ay nakasulat, ang mga araw na sa akin ay itinakda, nang wala pang anuman sa kanila. Napakahalaga sa akin ng iyong mga pag-iisip, O Diyos! Napakalawak ng kabuuan ng mga iyon! Kung aking bibilangin, ang mga iyon ay marami pa kaysa buhangin. Kapag ako'y nagigising, ako'y kasama mo pa rin. Sana'y patayin mo, O Diyos, ang masama, kaya't layuan ninyo ako, mga taong nagpapadanak ng dugo. Sapagkat sila'y nagsasalita laban sa iyo ng kasamaan, at ginagamit ng iyong mga kaaway ang iyong pangalan sa walang kabuluhan. Hindi ba kinapopootan ko silang napopoot sa iyo, O PANGINOON? At hindi ba kinasusuklaman ko silang laban sa iyo'y bumabangon? Kinapopootan ko sila ng lubos na pagkapoot; itinuturing ko sila na aking mga kaaway. Siyasatin mo ako, O Diyos, at alamin mo ang aking puso; subukin mo ako, at alamin mo ang mga pag-iisip ko! At tingnan mo kung may anumang lakad ng kasamaan sa akin, at patnubayan mo ako sa daang walang hanggan. Iligtas mo ako, O PANGINOON, sa masasamang tao; mula sa mararahas na tao ay ingatan mo ako, na nagbabalak ng kasamaan sa puso nila, at patuloy na nanunulsol ng pakikidigma. Pinatatalas ang kanilang dila na gaya ng sa ahas; at sa ilalim ng kanilang mga labi ay kamandag ng ulupong. (Selah) O PANGINOON, sa mga kamay ng masama ay ingatan mo ako, ingatan mo ako sa mararahas na tao, na nagbalak na tisurin ang mga paa ko. Ang mga taong mapagmataas ay nagkubli para sa akin ng bitag, at ng mga panali, at sila'y naglagay ng lambat sa tabi ng daan, naglagay sila para sa akin ng mga patibong. (Selah) Aking sinabi sa PANGINOON, "Ikaw ay aking Diyos; pakinggan mo ang tinig ng aking mga daing, O PANGINOON." O PANGINOON, aking Panginoon, lakas ng aking kaligtasan, tinakpan mo ang ulo ko sa araw ng labanan. Huwag mong ipagkaloob, O PANGINOON, ang mga nasa ng masama; huwag mong hayaang magpatuloy ang kanyang masamang pakana, baka sila'y magmalaki. (Selah) Tungkol sa ulo ng mga pumalibot sa akin, takpan nawa sila ng kasamaan ng kanilang sariling mga labi. Mahulog nawa sa kanila ang mga nagniningas na baga! Ihagis nawa sila sa apoy, sa mga malalim na hukay upang huwag na silang makabangong muli! Ang mapanirang-puri nawa'y huwag matatag sa daigdig; kaagad nawang tugisin ng kasamaan ang taong mapanlupig! Alam kong tutulungan ng PANGINOON ang panig ng nahihirapan, at katarungan para sa mahirap. Tunay na ang matuwid ay magpapasalamat sa iyong pangalan, ang matuwid ay tatahan sa iyong harapan. Tumatawag ako sa iyo, O PANGINOON; magmadali ka sa akin! Pakinggan mo ang tinig ko, kapag ako'y tumatawag sa iyo. Ibilang mo ang aking dalangin na parang insenso sa iyong harapan, at ang pagtataas ng aking mga kamay ay handog sa kinahapunan. Maglagay ka ng bantay sa aking bibig, O PANGINOON. Ingatan mo ang pintuan ng aking mga labi! Huwag mong ihilig ang aking puso sa anumang masama, na ako'y gumawa ng masasamang gawa, na kasama ng mga taong gumagawa ng masama, at huwag mo akong pakainin ng masasarap na pagkain nila. Sugatan nawa ako ng matuwid sa kagandahang-loob at sawayin niya ako, ito'y langis sa ulo; huwag nawang tanggihan ng aking ulo, sapagkat ang aking panalangin ay laging laban sa kanilang mga gawang liko. Ang kanilang mga hukom ay inihagis sa mga tabi ng malaking bato, at kanilang diringgin ang aking mga salita sapagkat sila ay maiinam. Gaya ng isang nag-aararo at nagbubungkal ng lupa, gayon ang kanilang mga buto sa bibig ng Sheol ay ikakalat. Subalit ang mga mata ko, O Panginoong DIYOS, sa iyo'y nakatuon; sa iyo ako nanganganlong; huwag mo akong iwang walang kalaban-laban! Iligtas mo ako sa patibong na para sa akin ay kanilang inilagay, at mula sa mga bitag ng mga manggagawa ng kasamaan! Mahulog nawa ang masasama sa kanilang sariling mga lambat, habang ako naman ay tumatakas. Ako'y dumadaing ng aking tinig sa PANGINOON; sa pamamagitan ng aking tinig ay sumasamo ako sa PANGINOON. Ibinubuhos ko sa kanyang harapan ang aking daing, sinasabi ko sa kanyang harapan ang aking suliranin. Kapag ang aking espiritu'y nanlulupaypay sa loob ko, ang aking landas ay iyong nalalaman! Sa daan na aking tinatahak sila'y nagkubli para sa akin ng isang bitag. Tumingin ka sa kanan, at iyong masdan, walang nakakapansin sa aking sinuman; walang kanlungang nalalabi para sa akin; walang sinumang lumilingap sa aking kaluluwa. Ako'y dumaing sa iyo, O PANGINOON; aking sinabi, "Ikaw ang aking kanlungan, ang aking bahagi sa lupain ng mga buhay." Pakinggan mo ang aking pagsamo, sapagkat ako'y dinalang napakababa. Iligtas mo ako sa mga nagsisiusig sa akin; sapagkat sila'y napakalakas para sa akin. Ilabas mo ako sa bilangguan, upang ako'y makapagpasalamat sa iyong pangalan! Paliligiran ako ng mga matuwid; sapagkat ako'y pakikitunguhan mong may kasaganaan. Pakinggan mo, O PANGINOON, ang aking dalangin, iyong dinggin ang aking mga daing! Sa iyong katapatan, sa iyong katuwiran, ako'y iyong sagutin! At huwag kang pumasok na kasama ng iyong lingkod sa kahatulan; sapagkat walang taong nabubuhay na matuwid sa iyong harapan. Sapagkat inusig ng kaaway ang aking kaluluwa; kanyang dinurog sa lupa ang aking buhay, pinatira niya ako sa madilim na dako gaya ng mga matagal nang patay. Kaya't ang aking espiritu ay nanlulupaypay sa loob ko; ang puso ko ay kinikilabutan sa loob ko. Aking naaalala ang mga araw nang una, aking ginugunita ang lahat mong ginawa; aking binubulay-bulay ang gawa ng iyong mga kamay. Iniuunat ko sa iyo ang aking mga kamay, ang kaluluwa ko'y uhaw sa iyo na gaya ng lupang tigang. (Selah) Magmadali ka, O PANGINOON, na ako'y iyong sagutin! Ang espiritu ko'y nanlulupaypay! Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin; baka ako'y maging gaya nila na nagsibaba sa Hukay. Sa umaga'y iparinig sa akin ang iyong tapat na pag-ibig, sapagkat sa iyo ako ay nananalig. Ang daan na dapat kong lakaran sa akin ay ituro mo, sapagkat itinataas ko ang aking kaluluwa sa iyo. Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, O PANGINOON, tumakas ako patungo sa iyo upang manganlong. Turuan mo akong gawin ang iyong kalooban, sapagkat ang aking Diyos ay ikaw! Akayin nawa ako ng iyong mabuting Espiritu sa landas na pantay! Alang-alang sa iyong pangalan, O PANGINOON, muli akong buhayin! Sa iyong katuwiran ay ilabas mo ang aking kaluluwa mula sa kaguluhan, At sa iyong tapat na pag-ibig ay tanggalin mo ang aking mga kaaway, at iyong lipulin ang lahat ng nagpapasakit sa aking kaluluwa, sapagkat ako'y iyong lingkod. Purihin ang PANGINOON, ang aking malaking bato, kanyang sinasanay ang aking mga kamay para sa digmaan, at ang aking mga daliri sa pakikipaglaban; ang aking tapat na pag-ibig at aking tanggulan, aking muog at aking tagapagligtas; aking kalasag at siya kong kinakanlungan, na siyang nagpapasuko sa ilalim ko ng mga bayan. PANGINOON, ano ba ang tao upang siya'y iyong kilalanin, o ang anak ng tao, upang siya'y iyong isipin? Ang tao ay katulad ng hininga, gaya ng aninong nawawala ang mga araw niya. Iyuko mo ang iyong kalangitan, O PANGINOON, at ikaw ay pumanaog! Hipuin mo ang mga bundok upang ang mga ito'y magsiusok. Paguhitin mo ang kidlat at sila'y iyong pangalatin, suguin mo ang iyong mga palaso at sila'y iyong lituhin! Iyong iunat mula sa itaas ang iyong kamay, iligtas mo ako at sagipin sa maraming tubig, mula sa kamay ng mga dayuhan, na ang mga bibig ay nagsasalita ng kasinungalingan, na ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan. Ako'y aawit ng bagong awit sa iyo, O Diyos; sa salterio na may sampung kawad ako sa iyo'y tutugtog, na siyang nagbibigay sa mga hari ng pagtatagumpay, na siyang nagligtas kay David na kanyang lingkod sa masamang tabak. Iligtas mo ako, at iligtas mo ako sa kamay ng mga banyaga, na ang mga bibig ay nagsasalita ng kasinungalingan, at ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan. Ang amin nawang mga anak na lalaki sa kanilang kabataan ay maging gaya ng mga halaman sa hustong gulang, at ang aming mga anak na babae ay parang mga panulok na bato na tinabas para sa gusali ng isang palasyo; ang amin nawang mga kamalig ay mapuno, na naglalaman ng lahat ng uri ng bagay; ang mga tupa namin nawa ay manganak ng mga libo at mga sampung libo sa aming mga parang; ang mga baka namin nawa ay manganak na walang makukunan o mawawalan, huwag nawang magkaroon ng daing ng pagdadalamhati sa aming mga lansangan! Pinagpala ang bayan na nasa gayong kalagayan! Maligaya ang bayan na ang Diyos ay ang PANGINOON! Aking Diyos at Hari, ika'y aking papupurihan, at aking pupurihin ang pangalan mo magpakailanpaman. Pupurihin kita araw-araw, at pupurihin ko ang pangalan mo magpakailanpaman. Dakila ang PANGINOON, at sa papuri'y lubhang karapat-dapat, at ang kanyang kadakilaan ay hindi masukat. Ipagmamalaki ng isang salinlahi sa kasunod nito ang iyong mga gawa, at ipahahayag ang iyong mga gawang dakila. Sa maluwalhating kaningningan ng iyong karangalan, at sa iyong kahanga-hangang mga gawa, ako'y magbubulay-bulay. Ipahahayag ng mga tao ang kapangyarihan ng iyong kakilakilabot na mga gawa; at akin namang ipahahayag ang iyong kadakilaan. Kanilang sabik na sasambitin ang alaala ng iyong masaganang kabutihan, at isisigaw nang malakas ang iyong katuwiran. Ang PANGINOON ay mapagpala at puno ng awa, hindi magagalitin at sa tapat na pag-ibig ay sagana. Ang PANGINOON ay mabuti sa lahat; at ang kanyang awa ay nasa lahat niyang ginawa. Lahat mong mga gawa, O PANGINOON, ay magpapasalamat sa iyo, at pupurihin ka ng lahat ng mga banal mo! Sasabihin nila ang kaluwalhatian ng iyong kaharian, at ibabalita ang iyong kapangyarihan; upang ipabatid sa mga anak ng mga tao ang iyong'' mga gawang makapangyarihan, at ang maluwalhating kaningningan ng iyong kaharian. Ang kaharian mo'y walang hanggang kaharian, at nananatili sa lahat ng mga salinlahi ang iyong kapangyarihan. Inaalalayan ng PANGINOON ang lahat ng nalulugmok, at itinatayo ang lahat ng nakayukod. Ang mga mata ng lahat sa iyo ay nakatingin, at ibinibigay mo sa kanila sa tamang panahon ang kanilang pagkain. Binubuksan mo ang iyong kamay, binibigyang-kasiyahan mo ang nasa ng bawat bagay na may buhay. Ang PANGINOON ay matuwid sa lahat ng pamamaraan niya, at mabait sa lahat niyang mga gawa. Ang PANGINOON ay malapit sa lahat ng sa kanya'y nananawagan, sa lahat ng tumatawag sa kanya sa katotohanan. Kanyang ibinibigay ang nasa ng lahat ng natatakot sa kanya; kanya ring dinirinig ang kanilang daing, at inililigtas sila. Iniingatan ng PANGINOON ang lahat ng umiibig sa kanya; ngunit lahat ng masama ay lilipulin niya. Ang aking bibig ay magsasalita ng papuri sa PANGINOON; at pupurihin ng lahat ng laman ang kanyang banal na pangalan magpakailanpaman. Purihinang PANGINOON! Purihin mo ang PANGINOON, O kaluluwa ko! Pupurihin ko ang PANGINOON habang ako'y nabubuhay, ako'y aawit ng mga papuri sa aking Diyos, habang ako'y may buhay. Huwag kayong magtiwala sa mga pinuno, o sa anak man ng tao na walang kaligtasan. Ang kanyang espiritu ay humiwalay, siya'y bumabalik sa kanyang lupa; sa araw ding iyon ay naglalaho ang kanyang mga panukala. Maligaya siya na ang saklolo ay ang Diyos ni Jacob, na ang pag-asa ay nasa PANGINOON niyang Diyos, na gumawa ng langit at lupa, ng dagat, at ng lahat ng naroroon; na nag-iingat ng katotohanan magpakailanman; na naglalapat ng katarungan sa naaapi; na nagbibigay ng pagkain sa nagugutom. Pinalalaya ng PANGINOON ang mga bilanggo; binubuksan ng PANGINOON ang mga mata ng bulag. Ibinabangon ng PANGINOON ang mga nabubuwal. Iniibig ng PANGINOON ang matuwid. Iniingatan ng PANGINOON ang mga banyaga; kanyang inaalalayan ang babaing balo at ang ulila, ngunit ang lakad ng masama ay inililihis niya. Magpakailanman ang PANGINOON ay maghahari, ang iyong Diyos, O Zion, sa lahat ng salinlahi. Purihin ang PANGINOON! Purihin ang PANGINOON! Sapagkat mabuting umawit ng mga papuri sa ating Diyos; sapagkat siya'y mapagpala at ang awit ng papuri ay naaangkop. Itinatayo ng PANGINOON ang Jerusalem; kanyang tinitipon ang mga itinapon mula sa Israel. Kanyang pinagagaling ang mga may pusong wasak, at tinatalian ang kanilang mga sugat. Ang bilang ng mga bituin ay kanyang binibilang, ibinibigay niya sa kanilang lahat ang mga pangalan nila. Dakila ang ating PANGINOON, at sa kapangyarihan ay sagana, hindi masukat ang kanyang unawa. Inaalalayan ng PANGINOON ang nahihirapan, kanyang inilulugmok sa lupa ang masama. Umawit kayo ng may pagpapasalamat sa PANGINOON; umawit kayo sa lira ng mga papuri sa ating Diyos! Tinatakpan niya ng mga ulap ang mga kalangitan. naghahanda siya para sa lupa ng ulan, nagpapatubo siya ng damo sa kabundukan. Siya'y nagbibigay sa hayop ng kanilang pagkain, at sa mga inakay na uwak na nagsisidaing. Ang kanyang kaluguran ay wala sa lakas ng kabayo, ni ang kanyang kasiyahan sa mga binti ng tao, ngunit ang PANGINOON ay nalulugod sa mga natatakot sa kanya, sa kanyang tapat na pag-ibig ay umaasa. Purihin mo, O Jerusalem, ang PANGINOON! Purihin mo ang iyong Diyos, O Zion! Sapagkat kanyang pinapatibay ang mga rehas ng iyong mga tarangkahan, pinagpapala niya ang mga anak mo sa loob mo. Siya'y gumagawa ng kapayapaan sa iyong mga hangganan; binubusog ka niya ng trigong pinakamainam. Kanyang sinusugo ang kanyang utos sa lupa; mabilis na tumatakbo ang kanyang salita. Siya'y nagbibigay ng niyebe na parang balahibo ng tupa; siya'y nagkakalat ng patak ng yelo na abo ang kagaya. Inihahagis niya ang kanyang yelo na parang tinapay na putol-putol, sinong makakatagal sa harap ng lamig niyon? Kanyang sinusugo ang kanyang salita, at tinutunaw ang mga iyon; kanyang pinahihihip ang kanyang hangin, at ang tubig ay dumadaloy. Kanyang ipinahayag ang kanyang salita sa Jacob, ang kanyang mga tuntunin at mga batas sa Israel. Hindi niya ito ginawa sa alinmang bansa, at tungkol sa kanyang mga batas hindi nila ito nalalaman. Purihin ninyo ang PANGINOON! Purihin ang PANGINOON! Purihin ang PANGINOON mula sa kalangitan, purihin siya sa mga kaitaasan. Purihin ninyo siya, kayong lahat niyang mga anghel, purihin ninyo siya, kayong lahat niyang hukbo! Purihin ninyo siya, araw at buwan; purihin ninyo siya, kayong lahat na mga bituing maningning, Purihin ninyo siya, kayong mga langit ng mga langit, at ninyong mga tubig na nasa itaas ng mga langit. Ang pangalan ng PANGINOON ay purihin nila, sapagkat siya'y nag-utos, at sila'y nalikha. At kanyang itinatag sila magpakailanpaman, siya'y gumawa ng pasiya na hindi mapapawi. Mula sa lupa ang PANGINOON ay purihin, ninyong mga dambuhala sa dagat, at lahat ng mga malalim, apoy at yelo, niyebe at hamog, maunos na hangin na gumaganap ng kanyang salita! Mga bundok at lahat ng mga burol, mga punong nagbubunga at lahat ng mga sedro! Mga hayop at lahat ng kawan. mga bagay na gumagapang at mga ibong nagliliparan! Mga hari sa lupa at lahat ng sambayanan, mga pinuno at lahat ng mga hukom sa sanlibutan! Mga binata at gayundin ang mga dalaga; ang matatanda at mga bata! Ang pangalan ng PANGINOON ay purihin nila, sapagkat tanging ang kanyang pangalan ang dakila; nasa itaas ng lupa at mga langit ang kaluwalhatian niya. Nagtaas siya ng sungay para sa kanyang bayan, ng papuri para sa lahat ng kanyang mga banal, para sa mga anak ni Israel na malapit sa kanya. Purihin ang PANGINOON! Purihin ang PANGINOON! Awitan ninyo ang PANGINOON ng isang bagong awit, ng papuri sa kanya sa kapulungan ng mga tapat! Magalak nawa ang Israel sa kanyang Lumikha, ang mga anak ng Zion sa kanilang Hari nawa'y matuwa! Purihin nila ng may pagsasayaw ang pangalan niya, na umaawit sa kanya na may pandereta at lira! Sapagkat ang PANGINOON ay nalulugod sa kanyang bayan; kanyang pagagandahin ng kaligtasan ang mga nahihirapan. Magsaya nawa ang mga tapat sa kaluwalhatian; umawit nawa sila sa kagalakan sa kanilang mga higaan. Malagay nawa ang mataas na papuri sa Diyos sa kanilang lalamunan, at ang tabak na may dalawang talim sa kanilang kamay; upang maggawad ng paghihiganti sa mga bansa, at ng kaparusahan sa mga bayan, upang gapusin sa mga tanikala ang kanilang mga hari, at ang kanilang mga maharlika ng mga bakal na panali, upang sa kanila'y ilapat ang hatol na nasusulat! Ito ay kaluwalhatian para sa lahat niyang mga tapat! Purihin ang PANGINOON! Purihin ang PANGINOON! Purihin ang Diyos sa kanyang santuwaryo; purihin siya sa kanyang makapangyarihang kalawakan! Purihin siya dahil sa kanyang mga makapangyarihang gawa; purihin siya ayon sa kanyang kadakilaang pambihira! Purihin siya sa tunog ng trumpeta; purihin siya sa salterio at alpa! Purihin siya sa mga tamburin at sayaw; purihin siya sa mga panugtog na may kuwerdas! Purihin siya ng mga matunog na pompiyang! Purihin siya sa mga pompiyang na maiingay! Lahat ng bagay na may hininga ay magpuri sa PANGINOON! Purihin ang PANGINOON! Ang mga kawikaan ni Solomon na anak ni David, hari ng Israel: Upang ang tao ay matuto ng karunungan at pangaral, upang ang mga salita ng pagkaunawa ay malaman, upang tumanggap ng turo sa matalinong pamumuhay, sa katuwiran, katarungan, at pagkakapantaypantay, upang mabigyan ng talino ang walang muwang kaalaman at mabuting pagpapasiya sa kabataan — upang marinig din ng matalino, at lumago sa kaalaman, at magtamo ang taong may unawa ng kahusayan, upang umunawa ng kawikaan at ng pagsasalarawan, ng mga salita ng pantas, at ng kanilang mga palaisipan. Ang takot sa PANGINOON ang pasimula ng kaalaman; ang karunungan at turo ay hinahamak ng hangal. Anak ko, dinggin mo ang turo ng iyong ama, at huwag mong pabayaan ang aral ng iyong ina; sapagkat sila'y magandang korona sa iyong ulo, at mga kuwintas sa iyong leeg. Anak ko, kung ikaw ay akitin ng mga makasalanan, huwag kang pumayag. Kung kanilang sabihin, "Sumama ka sa amin, tayo'y mag-abang upang magpadanak ng dugo, ating tambangan nang walang dahilan ang walang sala; gaya ng Sheol, sila'y lunukin nating buhay, at buo, na gaya ng bumababa sa Hukay. Tayo'y makakasumpong ng lahat ng mamahaling bagay; ating pupunuin ng samsam ang ating mga bahay. Makipagsapalaran kang kasama namin; magkakaroon tayong lahat ng iisang supot" — anak ko, huwag kang lumakad sa daan na kasama nila; pigilin mo ang iyong paa sa kanilang landas. Sapagkat ang kanilang mga paa ay tumatakbo sa kasamaan, at sila'y nagmamadali sa pagbububo ng dugo. Sapagkat walang kabuluhang iladlad ang isang bitag, habang nakatingin ang ibon. Ngunit sila'y nag-aabang sa sarili nilang dugo, at tinatambangan ang sarili nilang buhay. Gayon ang pamamaraan ng lahat ng sakim sa pakinabang, ang buhay ng mga may-ari niyon ay kanyang inaagaw. Ang karunungan ay sumisigaw nang malakas sa lansangan; kanyang inilalakas ang kanyang tinig sa mga pamilihan. Siya'y sumisigaw sa mga panulukan; sa pasukan ng mga pintuang-bayan, kanyang sinasabi: "Hanggang kailan, O mga walang muwang, kayo'y iibig sa inyong kawalang kaalaman? Hanggang kailan ang mga manunuya ay matutuwa sa panunuya, at ang mga hangal ay mamumuhi sa kaalaman? Sa aking saway ay bumaling kayo; narito, ibubuhos ko ang aking espiritu sa inyo. Ang mga salita ko'y ipapaalam ko sa inyo. Sapagkat ako'y tumawag, at kayo'y tumanggi, iniunat ko ang aking kamay, at walang nakinig; at dahil ang lahat kong payo ay winalan ninyong saysay, at ayaw ninyong tanggapin ang aking saway; ako naman ay tatawa sa inyong kapahamakan; ako'y manunuya kapag ang takot sa inyo ay dumating, kapag ang takot ay dumating sa inyo na parang bagyo, at ang inyong kapahamakan ay dumating na parang ipu-ipo; kapag ang hirap at hapis ay dumating sa inyo. Kung magkagayo'y tatawag sila sa akin, ngunit hindi ako sasagot; hahanapin nila akong mabuti, ngunit hindi nila ako matatagpuan. Sapagkat kinamuhian nila ang kaalaman, at hindi pinili ang takot sa PANGINOON. Ayaw nila sa aking payo; hinamak nila ang lahat kong pagsaway. Kaya't kakainin nila ang bunga ng kanilang sariling lakad, at mabubusog sa kanilang sariling mga pakana. Sapagkat ang pagkaligaw ang pumapatay sa walang alam, at ang pagsasawalang-bahala ang sumisira sa hangal. Ngunit ang nakikinig sa akin ay tatahang tiwasay, at papanatag na walang takot sa kasamaan." Anak ko, kung ang mga salita ko'y iyong tatanggapin, at mga utos ko sa iyo ay iyong pagyayamanin, ikiling mo sa karunungan ang iyong pandinig, at sa pang-unawa ang puso mo'y ihilig. Kung ikaw ay sumigaw upang makaalam, at itinaas ang iyong tinig upang makaunawa, kung kagaya ng pilak, ito'y iyong hahanapin, at tulad ng nakatagong kayamanan, ito'y sasaliksikin, kung magkagayo'y ang takot sa PANGINOON ay iyong mauunawaan, at ang kaalaman sa Diyos ay iyong matatagpuan. Sapagkat ang PANGINOON ay nagbibigay ng karunungan, sa kanyang bibig nagmumula ang kaalaman at kaunawaan. Pinaglalaanan niya ang matuwid ng magaling na karunungan, siya'y kalasag sa mga lumalakad na may katapatan, upang mabantayan niya ang mga landas ng katarungan, at maingatan ang daan ng kanyang mga banal. Kung magkagayo'y mauunawaan mo ang katuwiran, ang katarungan at ang katapatan, bawat mabuting daan. Sapagkat papasok sa iyong puso ang karunungan, at magiging kaaya-aya sa iyong kaluluwa ang kaalaman. Ang mabuting pagpapasiya ang magbabantay sa iyo, ang pagkaunawa ang mag-iingat sa iyo. Iligtas ka nito sa daan ng kasamaan, mula sa mga taong nagsasalita ng masasamang bagay; na nagpapabaya sa mga landas ng katuwiran, upang lumakad sa mga daan ng kadiliman; na nagagalak sa paggawa ng kasamaan, at sa mga kalikuan ng kasamaan ay nasisiyahan; na mga lihis sa kanilang mga lakad, at mga suwail sa kanilang mga landas. Sa masamang babae ikaw ay maliligtas, mula sa mapakiapid at sa mga salita niyang binibigkas, na nagpapabaya sa kasamahan ng kanyang kabataan, at ang tipan ng kanyang Diyos ay kanyang kinalilimutan; sapagkat ang kanyang bahay ay lumulubog sa kamatayan, at ang kanyang mga landas tungo sa mga kadiliman; walang naparoroon sa kanya na nakakabalik muli, ni ang mga landas ng buhay ay kanilang nababawi. Kaya't ang lakad ng mabubuting tao ang iyong lakaran, at ang mga landas ng matuwid ang iyong pakaingatan. Sapagkat ang matuwid sa lupain ay mamamalagi, at ang walang sala doon ay mananatili. Ngunit ang masama ay tatanggalin sa lupain, at ang mga taksil doon ay bubunutin. Anak ko, ang aral ko'y huwag mong kalimutan, kundi ang aking mga utos sa iyong puso'y ingatan; sapagkat kahabaan ng araw at mga taon ng buhay, at kapayapaan, ang sa iyo'y kanilang ibibigay. Huwag mong hayaang iwan ka ng kabaitan at katotohanan; itali mo ang mga ito sa palibot ng iyong leeg, isulat mo sa iyong puso. Sa gayo'y makakatagpo ka ng lingap at mabuting pangalan sa paningin ng Diyos at ng tao. Sa PANGINOON ay buong puso kang magtiwala, at huwag kang manalig sa sarili mong pang-unawa. Sa lahat ng iyong mga lakad siya'y iyong kilalanin, at itutuwid niya ang iyong mga landasin. Huwag kang magpakapantas sa iyong sariling mga mata; matakot ka sa PANGINOON, at sa kasamaan ay lumayo ka. Ito'y magiging kagalingan sa laman mo, at kaginhawahan sa iyong mga buto. Parangalan mo ang PANGINOON mula sa iyong kayamanan, at ng mga unang bunga ng lahat mong ani; sa gayo'y mapupuno nang sagana ang iyong imbakan, at aapawan ng bagong alak ang iyong mga sisidlan. Anak ko, ang disiplina ng PANGINOON ay huwag mong hamakin, at ang kanyang saway ay huwag mong itakuwil. Sapagkat sinasaway ng PANGINOON ang kanyang minamahal, gaya ng ama sa anak na kanyang kinalulugdan. Mapalad ang tao na nakakasumpong ng karunungan, at ang tao na nagtatamo ng kaunawaan. Sapagkat ang pakinabang rito kaysa pilak ay mas mainam, at ang mapapakinabang dito ay higit kaysa gintong dalisay. Kaysa mga alahas, siya ay mas mahalaga, at wala sa mga bagay na ninanasa mo ang maihahambing sa kanya. Ang mahabang buhay ay nasa kanyang kanang kamay; sa kanyang kaliwang kamay ay mga yaman at karangalan. Ang kanyang mga daan ay mga daan ng kaligayahan, at ang lahat niyang mga landas ay kapayapaan. Siya'y punungkahoy ng buhay sa mga humahawak sa kanya; at mapalad ang lahat ng nakakapit sa kanya. Itinatag ng PANGINOON ang daigdig sa pamamagitan ng karunungan; itinayo niya ang mga langit sa pamamagitan ng kaunawaan. Sa kanyang kaalaman ang mga kalaliman ay nabiyak, at nagpapatak ng hamog ang mga ulap. Anak ko, huwag mong hayaang mawalay sa iyong mga mata, ingatan mo ang magaling na dunong at mabutIng pagpapasiya, at sila'y magiging buhay sa iyong kaluluwa, at sa iyong leeg ay magiging pampaganda. Kung magkagayo'y tiwasay kang lalakad sa iyong daan, at ang iyong paa ay di matitisod kailanman. Kapag ikaw ay nakahiga, hindi ka matatakot; kapag ika'y humimlay, magiging mahimbing ang iyong tulog. Huwag kang matakot sa pagkasindak na bigla, o sa pagdating ng pagsalakay ng masama, sapagkat ang PANGINOON ang magiging iyong pagtitiwala, at iingatan mula sa pagkahuli ang iyong mga paa. Huwag mong ipagkait ang mabuti sa kinauukulan, kapag ito'y nasa kapangyarihang gawin ng iyong kamay. Huwag mong sabihin sa iyong kapwa, "Humayo ka, at bumalik na lamang, at bukas ako magbibigay," gayong mayroon ka naman. Huwag kang magbalak ng masama laban sa iyong kapwa, na naninirahan sa tabi mo nang may pagtitiwala. Huwag kang makipagtalo sa kanino man nang walang dahilan, kung hindi naman siya gumawa sa iyo ng kasamaan. Huwag kang mainggit sa taong marahas, at huwag mong piliin ang anuman sa kanyang mga landas; sapagkat sa PANGINOON ang suwail ay kasuklamsuklam, ngunit ang matuwid ay kanyang pinagtitiwalaan. Ang sumpa ng PANGINOON ay nasa bahay ng masama; ngunit ang tahanan ng matuwid ay kanyang pinagpapala. Sa mga nanunuya siya ay mapanuya, ngunit sa mapagkumbaba ay nagbibigay siya ng biyaya. Ang pantas ay magmamana ng kaluwalhatian, ngunit kahihiyan ang magiging ganti sa mga hangal. Dinggin ninyo, mga anak, ang turo ng ama, at makinig kayo upang magkamit kayo ng unawa; sapagkat binibigyan ko kayo ng mabubuting panuntunan: huwag ninyong talikuran ang aking aral. Noong ako'y isang anak sa aking ama, bata pa at tanging anak sa paningin ng aking ina, tinuruan niya ako, at sa akin ay nagwika, "Panghawakan ng iyong puso ang aking mga salita. Tuparin mo ang aking mga utos, at mabubuhay ka. Kunin mo ang karunungan, kunin mo ang kaunawaan, huwag kang lumimot, ni sa mga salita ng aking bibig ay humiwalay. Huwag mo siyang pabayaan at ikaw ay kanyang iingatan; ibigin mo siya at ikaw ay kanyang babantayan. Ang pasimula ng karunungan ay ito: Kunin mo ang karunungan, sa lahat mong kukunin ay kunin mo ang unawa. Pahalagahan mo siya, at itataas ka niya; pararangalan ka niya kapag niyakap mo siya. Isang kaaya-ayang putong sa ulo mo'y kanyang ilalagay, isang magandang korona sa iyo'y kanyang ibibigay." Makinig ka, anak ko, at tanggapin mo ang aking mga sinasabi, at ang mga taon ng iyong buhay ay magiging marami. Itinuro ko sa iyo ang daan ng karunungan; pinatnubayan kita sa mga landas ng katuwiran. Kapag ikaw ay lumakad, hindi magigipit ang iyong mga hakbang; at kung ikaw ay tumakbo, hindi ka mabubuwal. Hawakan mong mabuti ang turo; huwag mong bitawan; siya'y iyong ingatan, sapagkat siya'y iyong buhay. Huwag kang pumasok sa landas ng masama, at huwag kang lumakad sa daan ng taong masasama. Iwasan mo iyon, huwag mong daanan; talikuran mo, at iyong lampasan. Sapagkat hindi sila nakakatulog, malibang sila'y nakagawa ng kasamaan; at nananakawan sila ng tulog, malibang may isang taong kanilang mapabuwal. Sapagkat sila'y kumakain ng tinapay ng kasamaan, at umiinom ng alak ng karahasan. Ngunit ang landas ng matuwid ay parang liwanag ng bukang-liwayway, na sumisikat ng higit at mas maliwanag hanggang maging ganap na araw. Ang daan ng masama ay parang malalim na kadiliman; hindi nila nalalaman kung ano ang kanilang kinakatisuran. Anak ko, makinig ka sa aking mga salita; ikiling mo ang iyong pandinig sa aking mga wika. Huwag mong hayaang sila'y mawala sa paningin mo; ingatan mo sila sa kaibuturan ng iyong puso. Sapagkat sa mga nakakatagpo sa kanila ang mga ito'y buhay, at kagalingan sa kanilang buong katawan. Ang iyong puso'y buong sikap mong ingatan, sapagkat mula rito'y dumadaloy ang mga bukal ng buhay. Ang madayang bibig ay iyong alisin, ilayo mo sa iyo ang mga labing suwail. Tuminging matuwid ang iyong mga mata sa unahan, at ang iyong mga paningin ay maging matuwid sa iyong harapan. Landas ng iyong mga paa ay iyong tuwirin, at magiging tiyak ang lahat ng iyong tatahakin. Huwag kang lumiko sa kanan o sa kaliwa man; ilayo mo ang iyong paa sa kasamaan. Anak ko, pakinggan mo ang aking karunungan; ikiling mo ang iyong pandinig sa aking kaunawaan; upang mabuting pagpapasiya ay iyong maingatan, at upang ang iyong mga labi ay makapagbantay ng kaalaman. Sapagkat ang mga labi ng mapangalunyang babae sa pulot ay tumatagas, at ang kanyang pananalita kaysa langis ay madulas; ngunit mapait na gaya ng halamang lason sa bandang wakas, tabak na may dalawang talim ang siyang kasintalas. Ang kanyang mga paa sa kamatayan ay palusong; ang kanyang mga hakbang ay nakahawak sa Sheol. Hindi siya tumatahak sa landas ng buhay; ang kanyang mga lakad ay di panatag, at hindi niya ito nalalaman. Ngayon nga, mga anak, sa akin kayo'y makinig, at huwag kayong lumayo sa mga salita ng aking bibig. Ilayo mo sa kanya ang iyong daan, at huwag kang lumapit sa pintuan ng kanyang bahay; baka ibigay mo ang iyong karangalan sa iba, at ang iyong mga taon sa mga walang awa. Baka mga dayuhan ang magtamasa sa iyong kayamanan, at mapunta sa bahay ng di kilala ang iyong pinagpaguran. At ikaw ay manangis sa katapusan ng iyong buhay, kapag naubos ang iyong laman at katawan. At iyong sasabihin, "Tunay na ang pangaral ay aking kinamuhian, at hinamak ng aking puso ang pagsaway! Hindi ko sinunod ang tinig ng aking mga tagapagturo, o ikiniling ko man ang aking pandinig sa aking mga guro. Ako'y nasa bingit ng lubos na kapahamakan, sa gitna ng kapisanan at ng kapulungan." Sa iyong sariling tipunan ng tubig ikaw ay uminom, sa umaagos na tubig mula sa iyong sariling balon. Dapat bang kumalat ang iyong mga bukal, at ang mga agos ng tubig sa mga lansangan? Hayaan mong maging para sa sarili mo lamang, at hindi para sa mga kasama mong mga dayuhan. Pagpalain ang iyong bukal; at magalak ka sa asawa ng iyong kabataan. Gaya ng magandang usa at mahinhing babaing usa, bigyan kang kasiyahan ng dibdib niya sa tuwina, at sa kanyang pag-ibig ay laging malugod ka. Sapagkat, bakit anak ko, sa mapangalunyang babae ay malulugod ka, at yayakap sa dibdib ng babaing banyaga? Sapagkat ang mga lakad ng tao ay nasa harap ng mga mata ng PANGINOON, at kanyang sinisiyasat ang lahat niyang mga landas. Ang masama'y nabibitag sa sarili niyang kasamaan, at siya'y nahuhuli sa mga tali ng kanyang kasalanan. Siya'y mamamatay sa kakulangan ng disiplina, at dahil sa kanyang kahangalan ay naliligaw siya. Anak ko, kung naging tagapanagot ka sa iyong kapwa, kung itinali mo ang iyong sarili sa isang banyaga, ikaw ay nasilo ng mga salita ng iyong mga labi, at ikaw ay nahuli ng mga salita ng iyong bibig. Gawin mo ito ngayon, anak ko, at iligtas mo ang iyong sarili, yamang ikaw ay nahulog sa kapangyarihan ng iyong kapwa: humayo ka, magpakababa ka, at makiusap sa iyong kapwa. Huwag mong bigyan ng tulog ang iyong mga mata, o paidlipin man ang mga talukap ng iyong mata. Iligtas mo ang iyong sarili na parang usa sa kamay ng mangangaso, at parang ibon mula sa kamay ng mambibitag. Pumaroon ka sa langgam, ikaw na tamad; masdan mo ang kanyang mga lakad at ika'y magpakapantas, na bagaman walang puno, tagapamahala, o pinuno, naghahanda ng kanyang pagkain sa tag-araw, at tinitipon ang kanyang pagkain sa anihan. Hanggang kailan ka hihiga riyan, O tamad? Kailan ka babangon sa iyong pagkakatulog? Kaunting pagtulog, kaunting pag-idlip, kaunting paghalukipkip ng mga kamay upang magpahingalay, sa gayo'y ang karukhaan ay darating sa iyo na parang magnanakaw, at ang kasalatan na parang lalaking may sandata. Ang taong walang kabuluhan, ang taong masama, ay gumagala na may masamang bunganga. Kumikindat ang kanyang mga mata, pinagsasalita ang kanyang mga paa, na itinuturo ang daliri niya, kumakatha ng masama sa kanyang likong puso, patuloy na naghahasik ng pagtatalo. Kaya't biglang darating sa kanya ang kapahamakan, sa isang iglap ay madudurog siya, at walang kagamutan. Ang PANGINOON ay namumuhi sa anim na bagay, oo, pito ang sa kanya'y kasuklamsuklam: Mga palalong mata, sinungaling na dila, at mga kamay na nagbububo ng dugong walang sala, pusong kumakatha ng masasamang plano, mga paang sa kasamaan ay nagmamadali sa pagtakbo; bulaang saksi na nagsasalita ng kasinungalingan, at ang naghahasik sa magkakapatid ng kaguluhan. Anak ko, ingatan mo ang utos ng iyong ama, at huwag mong pabayaan ang turo ng iyong ina. Sa iyong puso'y ikintal mong lagi, sa iyong leeg ay iyong itali. Kapag ikaw ay lumalakad, sa iyo'y papatnubay, kapag ikaw ay natutulog, sa iyo'y magbabantay, at kapag ikaw ay gumigising, ikaw ay kanilang kakausapin. Sapagkat ang utos ay tanglaw, at ang aral ay ilaw, at ang mga saway ng disiplina ay daan ng buhay; upang mula sa masamang babae ay maingatan ka, mula sa tabil ng dila ng mapangalunya. Huwag mong nasain sa iyong puso ang kanyang ganda, at huwag mong hayaang mahuli ka niya ng kanyang mga pilik-mata. Sapagkat ang masamang babae ay maaaring upahan ng isang pirasong tinapay, ngunit hinuhuli ng mangangalunya ang mahalagang buhay. Makapagdadala ba ng apoy ang isang tao sa kanyang kandungan, at hindi masusunog ang kanyang kasuotan? Sa nagbabagang uling makalalakad ba ang isang tao, at ang kanyang mga paa ay hindi mapapaso? Gayon ang sumisiping sa asawa ng kanyang kapwa; sinumang humipo sa kanya ay hindi maaaring walang parusa. Hindi hinahamak ng mga tao ang magnanakaw kapag siya'y nagnanakaw, upang kapag siya'y gutom siya'y masiyahan. Gayunma'y kung siya'y mahuli, makapito niyang pagbabayaran; ibibigay niya lahat ang laman ng kanyang bahay. Walang sariling bait siyang nangangalunya, ang gumagawa niyon ay sarili ang sinisira. Mga sugat at kasiraang-puri ang kanyang tatamuhin, at ang kanyang kahihiyan ay hindi na papawiin. Sapagkat ang panibugho ay nagpapabagsik sa lalaki, at hindi siya nagpapatawad sa araw ng paghihiganti. Hindi niya tatanggapin ang anumang bayad, ni sa maraming suhol siya'y mapaglulubag. Anak ko, ang mga salita ko'y iyong ingatan, at ang aking mga utos ay iyong pahalagahan. Sundin mo ang aking mga utos at mabubuhay ka; ingatan mo ang aking aral na parang itim ng iyong mata. Sa iyong mga daliri ay iyong itali, sa ibabaw ng iyong puso ay isulat mo. Sabihin mo sa karunungan, "Ikaw ay aking kapatid na babae," at tawagin mong kamag-anak ang kaunawaan; upang maingatan ka mula sa babaing masama, sa babaing mapangalunya na may matatamis na salita. Sapagkat sa bintana ng aking bahay ay tumingin ako sa aking dungawan, at ako'y tumingin sa mga walang muwang, ako'y nagmasid sa mga kabataan, may isang kabataang walang katinuan, na dumaraan sa lansangan na malapit sa kanyang panulukan, at siya'y humayo sa daan na patungo sa kanyang bahay, sa pagtatakipsilim, sa kinagabihan, sa oras ng gabi at kadiliman. At, narito, siya'y sinalubong ng isang babae, na nakagayak tulad ng isang upahang babae, at tuso sa puso. Siya'y matigas ang ulo at maingay, ang kanyang mga paa ay hindi tumitigil sa bahay; ngayo'y nasa mga lansangan, mamaya'y nasa pamilihan, at siya'y nag-aabang sa bawat panulukan. Sa gayo'y hinahawakan niya ang lalaki at hinahagkan siya, at may mukhang walang hiya na nagsasabi sa kanya, "Kailangan kong mag-alay ng mga handog pangkapayapaan, sa araw na ito ang mga panata ko'y aking nagampanan. Kaya't lumabas ako upang salubungin ka, masigasig kong hinanap ang iyong mukha, at natagpuan kita. Ginayakan ko ng mga panlatag ang higaan ko, na yari sa kinulayang lino mula sa Ehipto. At aking pinabanguhan ang aking kama, ng mira, aloe, at kanela. Halika, magpakabusog tayo sa pag-ibig hanggang sa kinaumagahan; magpakasaya tayo sa paglalambingan. Sapagkat ang aking asawa ay wala sa bahay, sa malayong lugar siya'y naglakbay; siya'y nagdala ng isang supot ng salapi; sa kabilugan ng buwan pa siya uuwi." Sa maraming mapanuksong salita kanyang nahikayat siya, sa malumanay niyang labi siya'y kanyang nahila. Pagdaka ay sumusunod siya sa kanya, gaya ng toro na sa katayan pupunta, o gaya ng isang nasisilong usa, hanggang sa ang isang palaso'y sa bituka niya tumagos, gaya ng ibong sa bitag ay humahangos; na hindi nalalamang kanyang buhay ay matatapos. Ngayon nga, mga anak, dinggin ninyo ako, sa mga salita ng aking bibig ay makinig kayo. Huwag ibaling ang iyong puso sa kanyang mga lakad, huwag kang maliligaw sa kanyang mga landas. Sapagkat napakarami na niyang itinumba, oo, lubhang marami na siyang naging biktima. Daang patungo sa Sheol ang kanyang bahay, pababa sa mga silid ng kamatayan. Hindi ba nananawagan ang karunungan, at nagtataas ng tinig ang kaunawaan? Sa matataas na dako sa tabi ng daan, siya'y tumatayo sa mga sangandaan. Sa tabi ng mga pintuan sa harapan ng bayan, siya'y sumisigaw ng malakas sa pasukan ng mga pintuan: "Sa inyo, O mga lalaki, tumatawag ako, at ang aking sigaw ay sa mga anak ng mga tao. O kayong mga walang muwang, matuto kayo ng katalinuhan; at, maging maunawain kayo, kayong mga hangal. Makinig kayo, sapagkat magsasalita ako ng mga bagay na marangal, at mamumutawi sa aking mga labi ang matutuwid na bagay; sapagkat ang aking bibig ay magsasabi ng katotohanan; at karumaldumal sa aking mga labi ang kasamaan. Ang mga salita ng aking bibig ay pawang katuwiran; sa kanila'y walang liko o baluktot man. Sa kanya na nakakaunawa ay pawang makatuwiran, at wasto sa kanila na nakakatagpo ng kaalaman. Sa halip na pilak, ang kunin mo'y ang aking aral; at sa halip na dalisay na ginto ay ang kaalaman. Sapagkat mabuti kaysa alahas ang karunungan, at lahat ng maaari mong naisin, sa kanya'y di maipapantay. Akong karunungan ay nakatirang kasama ng katalinuhan, at natatagpuan ko ang kaalaman at tamang kahatulan. Ang takot sa PANGINOON ay pagkamuhi sa kasamaan. Ang kapalaluan, kahambugan, landas ng kasamaan, at ang masamang pananalita ay aking kinasusuklaman. Mayroon akong payo at magaling na karunungan ako'y may kaunawaan, ako'y may kalakasan. Naghahari ang mga hari sa pamamagitan ko, at naggagawad ng katarungan ang mga pangulo. Sa pamamagitan ko ay namumuno ang mga pangulo, at namamahala sa lupa ang mararangal na tao. Iniibig ko silang sa akin ay umiibig, at ako'y natatagpuan ng humahanap sa aking masigasig. Nasa akin ang mga kayamanan at dangal, ang kayamanan at kasaganaang tumatagal. Ang bunga ko ay mas mabuti kaysa ginto, kaysa gintong mainam, at maigi kaysa piling pilak ang aking pakinabang. Lumalakad ako sa daan ng katuwiran, sa mga landas ng katarungan, upang aking bigyan ng yaman ang sa aki'y nagmamahal, at upang aking mapuno ang kanilang kabang-yaman. Inari ako ng PANGINOON sa pasimula ng lakad niya, bago pinasimulan ang kanyang mga gawa ng una. Ako'y inilagay mula ng walang pasimula, noong una, bago pa man nilikha ang lupa. Ako'y nailabas na nang wala pang mga kalaliman; nang wala pang masaganang tubig mula sa mga bukal. Bago pa ang mga bundok ay hinugisan, bago ang mga burol, ako'y isinilang, nang hindi pa niya nagagawa ang lupa, ni ang mga parang man, ni ang pasimula man ng alabok ng sanlibutan. Naroroon na ako nang kanyang itatag ang kalangitan, nang siya'y maglagay ng bilog sa ibabaw ng kalaliman, nang kanyang pagtibayin ang langit sa kaitaasan, nang kanyang patatagin ang mga bukal ng kalaliman, nang itakda niya sa dagat ang kanyang hangganan, upang huwag suwayin ng tubig ang kanyang kautusan, nang ang mga saligan ng lupa'y nilagyan niya ng palatandaan, nasa tabi nga niya ako na gaya ng punong manggagawa; at ako ang kanyang pang araw-araw na ligaya, na laging nagagalak sa harapan niya, nagagalak sa kanyang lupang tinatahanan, at sa mga anak ng mga tao ay nasisiyahan. At ngayon, mga anak ko, ako'y inyong pakinggan, mapapalad ang nag-iingat ng aking mga daan. Makinig kayo sa turo, at magpakatalino, at huwag ninyong pababayaan ito. Mapalad ang taong nakikinig sa akin, na nagbabantay araw-araw sa aking mga tarangkahan, na naghihintay sa mga haligi ng aking mga pintuan. Sapagkat ang nakakatagpo sa akin, ay nakakatagpo ng buhay, at biyaya mula sa PANGINOON ay kanyang makakamtan. Ngunit siyang nagkakasala laban sa akin ay sarili niya ang sinasaktan; lahat ng namumuhi sa akin ay umiibig sa kamatayan." Itinayo ng karunungan ang kanyang bahay, ang kanyang pitong haligi ay kanyang inilagay. Mga hayop niya ay kanyang kinatay, ang kanyang alak ay kanyang hinaluan, kanya ring inihanda ang kanyang hapag-kainan. Sinugo niya ang kanyang mga alilang babae upang manawagan, mula sa pinakamatataas na dako sa bayan, "Sinumang walang muwang, pumasok dito!" Sa kanya na mahina sa pag-unawa, ay sinasabi niya, "Halikayo, kumain kayo ng aking tinapay, at uminom kayo ng alak na aking hinaluan. Iwan ninyo ang kawalang muwang at kayo'y mabuhay, at kayo'y lumakad na may pang-unawa." Siyang sumasaway sa manlilibak ay nakakakuha ng kahihiyan, at siyang sumasaway sa masama ay siya ring nasasaktan. Huwag mong sawayin ang manlilibak, baka kamuhian ka niya; sawayin mo ang marunong, at kanyang iibigin ka. Turuan mo ang marunong, at dudunong pa siyang lalo, turuan mo ang matuwid, at sa kaalaman siya'y lalago. Ang takot sa PANGINOON ang pasimula ng karunungan, at ang pagkakilala sa Banal ay kaunawaan. Sapagkat sa pamamagitan ko ay dadami ang iyong mga araw, at ang mga taon ng iyong buhay ay madaragdagan. Kung ikaw ay pantas, pantas ka para sa sarili mo, at kung ikaw ay manlibak, mag-isa kang magpapasan nito. Ang hangal na babae ay madaldal; siya'y magaslaw at walang nalalaman. Siya'y nauupo sa pintuan ng kanyang bahay, sa isang upuan sa matataas na dako ng bayan, upang tawagin ang mga nagdaraan, na matuwid na humahayo sa kanilang mga lakad. "Sinumang walang muwang ay pumasok dito!" At sa kanya na kulang sa pag-unawa, ay kanyang sinasabi, "Ang ninakaw na tubig ay matamis, ang tinapay na kinakain sa lihim ay kanais-nais." Ngunit hindi niya nalalaman na ang mga patay ay naroon, na ang mga panauhin niya ay nasa mga kalaliman ng Sheol. Mga kawikaan ni Solomon. Ang matalinong anak ay nakapagpapaligaya sa ama, ngunit ang hangal na anak ay kalungkutan sa kanyang ina. Ang mga kayamanan na mula sa kasamaan ay hindi mapapakinabangan, ngunit ang katuwiran ay nagliligtas sa kamatayan. Hindi hinahayaan ng PANGINOON na magutom ang matuwid, ngunit ang nasa ng masama ay kanyang pinapatid. Ang mapagpabayang kamay ay dahilan ng kahirapan, ngunit ang kamay ng masipag ay nagpapayaman. Isang pantas na anak siyang nagtitipon sa tag-araw, ngunit siyang natutulog sa tag-ani ay nagdadala ng kahihiyan. Nasa ulo ng matuwid ang mga pagpapala, ngunit nagtatago ng karahasan ang bibig ng masama. Ang alaala ng matuwid ay isang pagpapala, ngunit ang pangalan ng masama ay mapapariwara. Ang pantas sa puso ay susunod sa mga kautusan, ngunit ang madaldal na hangal ay mabubuwal. Siyang lumalakad sa katapatan ay lumalakad nang tiwasay, ngunit ang sumisira ng kanyang mga lakad ay matutuklasan. Siyang kumikindat ng mata ay pinagmumulan ng kaguluhan, ngunit ang madaldal na hangal ay mabubuwal. Ang bibig ng matuwid ay bukal ng buhay, ngunit ang bibig ng masama ay nagtatago ng karahasan. Ang pagkamuhi ay nagbubunsod ng alitan, ngunit tinatakpan ng pag-ibig ang lahat ng pagsuway. Nasusumpungan sa mga labi ng may unawa ang karunungan, ngunit ang pamalo ay para sa likod ng walang kaunawaan. Ang mga pantas ay nag-iimbak ng kaalaman, ngunit ang kadaldalan ng hangal ay naglalapit sa kapahamakan. Ang kayamanan ng mayaman ang kanyang lunsod na matibay; ang kahirapan ng dukha ang kanilang kapahamakan. Ang kabayaran ng matuwid ay patungo sa buhay; ang pakinabang ng masama ay tungo sa kasalanan. Nasa daan ng buhay siyang nakikinig ng pangaral, ngunit siyang tumatanggi sa saway ay naliligaw. Siyang nagkukubli ng pagkamuhi ay may labing mapanlinlang, at siyang naninirang-puri ay isang hangal. Sa dami ng mga salita ay hindi mawawalan ng pagsalangsang, ngunit siyang nagpipigil ng kanyang mga labi ay may karunungan. Ang dila ng matuwid ay piling pilak ang katulad, ang isipan ng masama ay maliit ang katumbas. Ang mga labi ng matuwid ay nagpapakain ng marami, ngunit ang hangal ay namamatay sa kakulangan ng bait sa sarili. Ang pagpapala ng PANGINOON ay nagpapayaman, at hindi niya ito dinaragdagan ng kapanglawan. Isang libangan sa hangal ang paggawa ng kasamaan, ngunit ang matalinong asal, sa taong may unawa ay kasiyahan. Ang kinatatakutan ng masama, sa kanya ay sasapit, ngunit ipagkakaloob ang nasa ng matuwid. Pagdaan ng unos, ang masama'y napaparam, ngunit ang matuwid ay matatag magpakailanman. Kung paano ang suka sa mga ngipin, at ang usok sa mga mata, gayon ang tamad sa mga nagsusugo sa kanya. Ang takot sa PANGINOON ay nagpapahaba ng buhay, ngunit ang mga taon ng masama ay maiikli lamang. Ang pag-asa ng matuwid ay hahantong sa kaligayahan, ngunit ang inaasam ng masama ay mapaparam. Ang daan ng PANGINOON sa matuwid ay tanggulan, ngunit kapahamakan sa mga gumagawa ng kasamaan. Ang matuwid ay hindi makikilos kailanman, ngunit ang masama, sa lupain ay hindi tatahan. Ang bibig ng matuwid ay nagbibigay ng karunungan, ngunit ang mandarayang dila ay ihihiwalay. Nalalaman ng mga labi ng matuwid ang nakakalugod, ngunit ang bibig ng masama, ang alam ay baluktot. Kasuklam-suklam sa PANGINOON ang madayang timbangan, ngunit ang tamang timbangan ay kanyang kasiyahan. Kapag dumarating ang pagmamataas ay dumarating din ang kahihiyan; ngunit kasama ng mapagpakumbaba ay ang karunungan. Ang katapatan ng mga matuwid ang pumapatnubay sa kanila, ngunit ang kalikuan ng mga taksil ang sa kanila'y sumisira. Ang mga kayamanan ay walang kabuluhan sa araw ng kapootan, ngunit ang katuwiran ay nagliligtas sa kamatayan. Ang katuwiran ng walang sala ang nagtutuwid sa kanyang daan, ngunit nabubuwal ang masama dahil sa sarili niyang kasamaan. Ang katuwiran ng matutuwid ang nagliligtas sa kanila, ngunit ang mga taksil ay nadadakip sa kanilang sariling pagnanasa. Kapag ang masamang tao ay namamatay, ang kanyang pag-asa ay mapapahamak, at ang inaasam ng masama ay napaparam. Ang matuwid ay naliligtas sa gulo, at ang masama naman ay nasasangkot dito. Pinupuksa ng masama ang kanyang kapwa sa pamamagitan ng bibig, ngunit sa pamamagitan ng kaalaman ay naliligtas ang matuwid. Kapag napapabuti ang matutuwid, ang lunsod ay nagdiriwang, at kapag ang masama ay napapahamak, may sigawan ng kagalakan. Sa pagpapala ng matuwid ang lunsod ay dinadakila, ngunit ito'y nawawasak sa pamamagitan ng bibig ng masama. Ang humahamak sa kanyang kapwa ay kulang sa sariling bait, ngunit ang taong may unawa ay tumatahimik. Ang gumagalang tagapagdala ng tsismis, mga lihim ay inihahayag, ngunit nakapagtatago ng bagay ang may espiritung tapat. Kung saan walang patnubay, bumabagsak ang bayan; ngunit sa karamihan ng mga tagapayo ay mayroong kaligtasan. Siyang nananagot sa di kilala, sa gusot ay malalagay; ngunit siyang namumuhi sa pananagot ay tiwasay. Ang mapagbiyayang babae ay nagkakamit ng karangalan, at ang marahas na lalaki ay nagkakaroon ng kayamanan. Ang taong mabait ay gumagawa ng mabuti sa kanyang sarili, ngunit ang taong malupit ay nananakit sa kanyang sarili. Napapala ng masama ay madayang kabayaran, ngunit ang naghahasik ng katuwiran ay tiyak na gantimpala ang kakamtan. Siyang matatag sa katuwiran ay mabubuhay, ngunit ang humahabol sa kasamaan ay mamamatay. Silang suwail sa puso sa PANGINOON ay kasuklamsuklam, ngunit ang sakdal sa kanilang lakad ay kanyang kasiyahan. Ang masamang tao ay tiyak na parurusahan, ngunit ang matutuwid ay may kaligtasan. Tulad ng singsing na ginto sa nguso ng baboy, gayon ang isang magandang babae na walang dunong. Ang nasa ng matuwid ay nagwawakas lamang sa kabutihan, ngunit ang inaasahan ng masama ay sa kapootan. May taong nagbibigay ng masagana at lalo pang yumayaman, may nagkakait ng dapat ibigay, ngunit naghihirap lamang. Ang taong mapagbigay ay payayamanin, at siyang nagdidilig ay didiligin din. Susumpain ng bayan ang nagkakait ng trigo, ngunit ang nagbibili niyon ay may pagpapala sa kanyang ulo. Ang masipag na humahanap ng mabuti ay humahanap ng pagpapala, ngunit ang kasamaa'y dumarating sa naghahanap ng masama. Siyang nagtitiwala sa kanyang mga kayamanan ay mabubuwal, ngunit ang matuwid ay mamumukadkad na parang dahong luntian. Magmamana ng hangin ang gumugulo sa kanyang sariling sambahayan, at magiging alipin naman ng marunong ang hangal. Ang bunga ng matuwid ay punungkahoy ng buhay; at ang humihikayat ng kaluluwa ay may karunungan. Kung ang matuwid sa lupa ay ginagantihan, gaano pa kaya ang masama at ang makasalanan! Ang umiibig sa pangaral ay umiibig sa kaalaman, ngunit ang namumuhi sa saway ay isang hangal. Ang mabuting tao ay magtatamo ng biyaya ng PANGINOON, ngunit kanyang parurusahan ang taong may masasamang layon. Hindi tumatatag ang isang tao sa pamamagitan ng kasamaan, ngunit ang ugat ng matuwid ay hindi magagalaw. Ang mabuting babae ay korona ng kanyang asawa, ngunit parang kabulukan sa kanyang mga buto kung kahihiyan ang dulot niya. Ang mga iniisip ng matuwid ay makatarungan, ang mga payo ng masama ay kataksilan. Ang mga salita ng masama ay nag-aabang ng dugo, ngunit ang bibig ng matuwid ang nagliligtas sa tao. Ang masasama ay ibinabagsak at pinapawi, ngunit ang sambahayan ng matuwid ay mananatili. Pinupuri ang tao ayon sa kanyang katinuan, ngunit ang may masamang puso ay hahamakin lamang. Mabuti pa ang taong mapagpakumbaba na gumagawa para sa kanyang sarili, kaysa nagkukunwaring dakila na wala namang makain. Buhay ng kanyang hayop, pinapahalagahan ng matuwid, ngunit ang kaawaan ng masama ay malupit. Siyang nagbubungkal ng kanyang lupa ay magkakaroon ng tinapay na sagana, ngunit siyang sumusunod sa walang kabuluhang bagay ay walang unawa. Ang matatag na tore ng masama ay nawawasak, ngunit ang ugat ng matuwid ay nananatiling matatag. Sa pagsalangsang ng mga labi nasisilo ang masamang tao, ngunit ang matuwid ay nakakatakas sa gulo. Ang tao ay masisiyahan sa kabutihan sa pamamagitan ng bunga ng kanyang bibig; at ang mga gawain ng mga kamay ng tao sa kanya'y bumabalik. Ang lakad ng hangal, sa sarili niyang paningin ay wasto, ngunit ang marunong ay nakikinig sa payo. Ang pagkayamot ng hangal ay agad nahahalata, ngunit hindi pinapansin ng matalino ang pagkutya. Ang nagsasabi ng katotohanan ay nagbibigay ng tapat na katibayan, ngunit ang sinungaling na saksi ay nagsasalita ng kadayaan. Mga salitang padalus-dalos ay parang ulos ng espada, ngunit ang dila ng pantas ay kagalingan ang dala. Ang labi ng katotohanan ay nagtatagal kailanman, ngunit ang sinungaling na dila ay panandalian lamang. Ang pandaraya ay nasa puso ng mga kumakatha ng kasamaan, ngunit ang nagpaplano ng kabutihan ay may kagalakan. Walang mangyayaring kapahamakan sa matuwid, ngunit ang masama ay napupuno ng panganib. Mga sinungaling na labi sa PANGINOON ay kasuklamsuklam, ngunit ang gumagawa nang may katotohanan ay kanyang kinalulugdan. Ang taong marunong ay nagkukubli ng kaalaman; ngunit ipinahahayag ng puso ng mga hangal ang kanilang kahangalan. Ang kamay ng masipag ay mamamahala, ngunit ang tamad ay malalagay sa sapilitang paggawa. Nagpapabigat sa puso ng tao ang pagkabalisa, ngunit ang mabuting salita ay nagpapasaya sa kanya. Ang matuwid sa kanyang kapwa ay patnubay, ngunit ang lakad ng masama sa kanila'y nakapagpapaligaw. Hindi makakahuli ng hayop ang taong tamad, ngunit magkakamit ng mahalagang kayamanan ang masipag. Nasa daan ng katuwiran ang buhay; ngunit ang landas ng kamalian ay tungo sa kamatayan. Ang turo ng ama'y dinirinig ng matalinong anak, ngunit hindi nakikinig sa saway ang manlilibak. Ang tao mula sa bunga ng kanyang bibig ay kakain ng kabutihan, ngunit ang pagnanasa ng mandaraya ay karahasan. Ang nag-iingat ng kanyang bibig ay nag-iingat ng kanyang buhay; ngunit ang nagbubuka nang maluwang ng kanyang mga labi ay hahantong sa kapahamakan. Ang kaluluwa ng tamad ay nagnanasa at walang nakukuha, ngunit ang kaluluwa ng masipag ay tutustusang sagana. Ang taong matuwid ay namumuhi sa kasinungalingan, ngunit ang gawa ng masama ay kahiyahiya at kasuklamsuklam. Ang may matuwid na lakad ay binabantayan ng katuwiran, ngunit ibinabagsak ng pagkakasala ang makasalanan. May nagkukunwaring mayaman, subalit wala naman, may nagpapanggap na dukha, gayunma'y napakayaman. Ang pantubos sa buhay ng tao ay ang kanyang kayamanan, ngunit ang dukha ay walang banta sa kanyang buhay. Ang ilaw ng matuwid ay natutuwa, ngunit ang tanglaw ng masama ay mawawala. Sa kapalaluan, ang suwail ay lumilikha ng gulo, ngunit ang karunungan ay nasa mga tumatanggap ng payo. Mauubos ang kayamanang nakuha sa madaling paraan, ngunit siyang unti-unting nagtitipon ay madaragdagan. Nagpapasakit ng puso ang pag-asang naaantala, ngunit punungkahoy ng buhay ang natupad na nasa. Ang humahamak sa salita, sa sarili'y nagdadala ng kapahamakan, ngunit ang gumagalang sa utos ay gagantimpalaan. Ang kautusan ng matalino ay bukal ng buhay, upang makaiwas ang tao sa mga bitag ng kamatayan. Ang mabuting pagpapasiya'y nagbubunga ng pagpapala, ngunit ang lakad ng di tapat ang kanilang ikasisira. Sa bawat bagay ang matalinong tao ay gumagawang may kaalaman; ngunit ang hangal ay nagkakalat ng kanyang kahangalan. Ang masamang sugo ay naghuhulog sa tao sa kaguluhan, ngunit ang tapat na sugo ay may dalang kagalingan. Kahirapan at kahihiyan ang darating sa nagtatakuwil ng pangaral, ngunit siyang nakikinig sa saway ay pararangalan. Ang pagnanasang natupad ay matamis sa kaluluwa; ngunit kasuklamsuklam sa mga hangal ang humiwalay sa masama. Ang lumalakad na kasama ng matatalino ay magiging matalino rin, ngunit ang kasama ng mga hangal, kapahamakan ang daranasin. Ang kasawian ay humahabol sa mga makasalanan, ngunit ang matuwid ay ginagantimpalaan ng kasaganaan. Ang mabuting tao ay nag-iiwan ng mana sa mga anak ng kanyang mga anak; ngunit ang kayamanan ng makasalanan, para sa matuwid ay nakalagak. Ang binungkal na lupa ng dukha ay maraming pagkaing ibinibigay, ngunit naaagaw iyon dahil sa kawalan ng katarungan. Ang hindi gumagamit ng pamalo ay napopoot sa anak niya, ngunit ang umiibig sa kanya ay matiyagang dumidisiplina. Ang matuwid ay may sapat upang masiyahan, ngunit ang tiyan ng masama ay mangangailangan. Ang matalinong babae ay nagtatayo ng kanyang bahay, ngunit binubunot ito ng hangal ng sarili niyang mga kamay. Ang lumalakad sa katuwiran sa PANGINOON ay gumagalang, ngunit ang suwail sa kanyang mga lakad sa kanya'y lumalapastangan. Ang pagsasalita ng hangal ay pamalo sa kanyang likod ngunit ang mga labi ng pantas ang sa kanila'y magtataguyod. Kung saan walang baka ay wala ring butil, ngunit ang saganang ani sa lakas ng baka nanggagaling. Hindi nagsisinungaling ang tapat na saksi, ngunit ang bulaang saksi ay mga kasinungalingan ang sinasabi. Ang manlilibak ay humahanap ng karunungan at walang natatagpuan, ngunit ang kaalaman ay madali sa taong may kaunawaan. Umalis ka sa harapan ng isang taong hangal, sapagkat doo'y hindi mo matatagpuan ang mga salita ng kaalaman. Ang karunungan ng matalino ay ang makaunawa ng kanyang daan, ngunit ang kahangalan ng mga hangal ay mapanlinlang. Hinahamak ng hangal ang handog para sa kasalanan, ngunit tinatamasa ng matuwid ang mabuting kalooban. Nalalaman ng puso ang kanyang sariling kapaitan, at walang dayuhang nakikibahagi sa kanyang kagalakan. Ang bahay ng masama ay magigiba, ngunit ang tolda ng matuwid ay sasagana. Mayroong daan na tila matuwid sa isang tao, ngunit mga daang tungo sa kamatayan ang dulo nito. Maging sa pagtawa ang puso ay mapanglaw, at ang wakas ng kasayahan ay kalungkutan. Bubusugin ang masama sa bunga ng sariling mga lakad niya, at ang mabuting tao sa bunga ng kanyang mga gawa. Ang bawat salita'y pinaniniwalaan ng walang muwang, ngunit tinitingnan ng marunong ang kanyang patutunguhan. Ang matalinong tao'y maingat at sa masama'y umiiwas, ngunit iwinawaksi ng hangal ang pagpipigil at siya'y walang ingat. Ang taong magagalitin ay gumagawang may kahangalan, ngunit ang taong may unawa ay may katiyagaan. Ang walang muwang ay nagmamana ng kahangalan, ngunit ang matalino ay nakokoronahan ng kaalaman. Ang masama ay yumuyukod sa harap ng mabuti, at ang masama sa mga pintuan ng matuwid. Inaayawan ang dukha maging ng kanyang kapitbahay, ngunit ang mayaman ay maraming kaibigan. Ang humahamak sa kanyang kapwa ay nagkakasala, ngunit ang mabait sa mga dukha ay masaya. Hindi ba nagkakamali silang kumakatha ng kasamaan? Ngunit katapatan at katotohanan ay sasakanila na kumakatha ng kabutihan. Sa lahat ng pagsisikap ay may pakinabang, ngunit ang pagsasalita lamang ay naghahatid sa kahirapan. Ang korona ng pantas ay ang kanilang kayamanan, ngunit kahangalan ang putong ng mga hangal. Ang tapat na saksi ay nagliligtas ng buhay, ngunit taksil ang nagsasalita ng kasinungalingan. Sa takot sa PANGINOON ang tao'y may pagtitiwalang matibay, at ang kanyang mga anak ay magkakaroon ng kanlungan. Ang takot sa PANGINOON ay bukal ng buhay, upang makaiwas ang tao sa mga bitag ng kamatayan. Ang kaluwalhatian ng isang hari ay nasa dami ng taong bayan, ngunit napapahamak ang pinuno kapag walang sambayanan. Ang makupad sa galit ay may malaking kaunawaan, ngunit ang madaling magalit ay nagbubunyi ng kahangalan. Ang tiwasay na puso ay nagbibigay buhay sa laman, ngunit ang pagnanasa, sa mga buto ay kabulukan. Ang umaapi sa dukha ay humahamak sa kanyang Lumalang, ngunit ang mabait sa mahirap, sa kanya'y nagpaparangal. Ang masama ay ibinabagsak dahil sa kanyang gawang kasamaan, ngunit ang matuwid ay may kanlungan dahil sa kanyang katapatan. Ang karunungan ay nananatili sa puso ng may kaunawaan, ngunit nalalaman ang nasa mga puso ng hangal. Ang katuwiran ay nagtataas sa isang bansa, ngunit ang kasalanan sa alinmang bayan ay pagkutya! Ang pagpapala ng hari ay nasa lingkod na gumagawang may katalinuhan, ngunit ang kanyang poot ay dumarating sa nagdudulot ng kahihiyan. Nakapapawi ng poot ang sagot na malumanay, ngunit nagbubunsod sa galit ang salitang magaspang. Ang dila ng marunong ay nagbabadya ng kaalaman; ngunit ang bibig ng mga hangal ay nagbubuhos ng kahangalan. Ang mga mata ng PANGINOON ay nasa bawat panig, sa masama at sa mabuti ay nagmamasid. Punungkahoy ng buhay ang dilang mahinahon, ngunit nakakasira ng espiritu ang kalikuan niyon. Hinahamak ng hangal ang turo ng kanyang ama, ngunit ang sumusunod sa pangaral ay may karunungan. Sa bahay ng matuwid ay maraming kayamanan, ngunit sa mga pakinabang ng masama ay may dumarating nakaguluhan. Ang mga labi ng marunong ay nagsasabog ng kaalaman, ngunit hindi gayon ang mga puso ng hangal. Ang handog ng masama, sa PANGINOON ay kasuklamsuklam, ngunit ang dalangin ng matuwid ay kanyang kaluguran. Ang lakad ng masama, sa PANGINOON ay kasuklamsuklam, ngunit iniibig niya ang sumusunod sa katuwiran. May mabigat na disiplina sa taong lumilihis sa daan, at siyang namumuhi sa saway ay mamamatay. Ang Sheol at ang Abadon ay nakalantad sa PANGINOON; lalong higit pa ang puso ng mga tao! Ayaw ng manlilibak na siya'y maiwasto, siya'y hindi magtutungo sa matalino. Ang masayang puso ay nagpapasaya ng mukha, ngunit sa kapanglawan ng puso ay nababagbag ang diwa. Ang isip ng may unawa ay humahanap ng kaalaman, ngunit ang bibig ng mga hangal ay kumakain ng kahangalan. Lahat ng mga araw ng naaapi ay kasamaan, ngunit siyang may masayahing puso ay laging may kapistahan. Mas mabuti ang kaunti kung may takot sa PANGINOON, kaysa malaking kayamanan na may kaguluhan doon. Mabuti pa ang pagkaing gulay na may pag-ibig, kaysa pinatabang baka na may poot na kalakip. Ang mainiting tao ay nag-uudyok ng pagtatalo, ngunit siyang makupad sa galit ay nagpapahupa ng gulo. Ang daan ng tamad ay napupuno ng mga dawag, ngunit ang landas ng matuwid ay isang lansangang patag. Ang matalinong anak ay nagpapasaya ng ama, ngunit hinahamak ng taong hangal ang kanyang ina. Ang kahangalan ay kagalakan sa taong walang bait; ngunit ang may unawa ay lumalakad nang matuwid. Kung walang payo mga panukala'y nawawalang-saysay, ngunit sa dami ng mga taga-payo sila'y nagtatagumpay. Kagalakan sa isang tao ang magbigay ng angkop na kasagutan, at ang salitang nasa tamang panahon ay anong inam! Para sa pantas ang landas ng buhay ay paitaas, upang sa Sheol na nasa sa ibaba siya ay makaiwas. Ginigiba ng PANGINOON ang bahay ng palalo, ngunit pinananatili niya ang hangganan ng babaing balo. Kasuklamsuklam sa PANGINOON ang masasamang panukala, ngunit nakakalugod sa kanya ang malilinis na salita. Siyang sakim sa masamang pakinabang ay gumagawa ng gulo sa kanyang sariling sambahayan, ngunit siyang namumuhi sa mga suhol ay mabubuhay. Ang puso ng matuwid ay nag-iisip ng isasagot, ngunit ang bibig ng masama ay masasama ang ibinubuhos. Ang PANGINOON ay malayo sa masama, ngunit kanyang dinirinig ang dalangin ng matuwid. Ang liwanag ng mga mata, sa puso'y nagpapasaya, at ang mabuting balita, sa mga buto'y nagpapasigla. Ang taingang nakikinig sa mabuting payo, ay tatahang kasama ng matatalino. Siyang tumatanggi sa turo ay humahamak sa sariling kaluluwa, ngunit siyang nakikinig sa pangaral ay nagtatamo ng unawa. Ang takot sa PANGINOON ay pagtuturo sa karunungan, at ang pagpapakumbaba ay nauuna sa karangalan. Ang mga balak ng isipan ay sa tao nagmumula, ngunit mula sa PANGINOON ang sagot ng dila. Ang lahat ng mga lakad ng tao ay malinis sa sarili niyang mata, ngunit tinitimbang ng PANGINOON ang diwa. Italaga mo sa PANGINOON ang iyong mga gawa, at magiging matatag ang iyong mga panukala. Ginawa ng PANGINOON ang bawat bagay ukol sa layunin nito, pati ang masamang tao ukol sa araw ng gulo. Bawat palalo sa puso, sa PANGINOON ay kasuklamsuklam, iyong asahan, hindi siya maaaring hindi parusahan. Sa pamamagitan ng katapatan at katotohanan ay napagbabayaran ang kalikuan, at sa pamamagitan ng takot sa PANGINOON, ay umiiwas ang tao sa kasamaan. Kapag ang mga lakad ng tao sa PANGINOON ay kasiya-siya, kanyang pinagkakasundo maging ang mga kaaway niya. Mas mabuti ang kaunti na may katuwiran, kaysa malalaking kita na walang katarungan. Ang puso ng tao ang nagpapanukala ng kanyang daan, ngunit ang PANGINOON ang nangangasiwa ng kanyang mga hakbang. Kinasihang mga pasiya ay nasa mga labi ng hari; ang kanyang bibig sa paghatol ay di magkakamali. Sa PANGINOON nauukol ang sukatan at timbangang tama; lahat ng panimbang sa supot ay kanyang mga gawa. Kasuklamsuklam para sa mga hari na gumawa ng kasamaan, sapagkat ang trono ay natatatag sa pamamagitan ng katuwiran. Matutuwid na labi sa hari ay kaluguran, at kanyang iniibig ang nagsasalita ng katuwiran. Ang poot ng hari ay isang sugo ng kamatayan, ngunit papayapain ito ng taong may karunungan. Sa liwanag ng mukha ng hari ay mayroong buhay, at ang kanyang lingap ay parang ulap na sa tagsibol ay may dalang ulan. Higit kaysa ginto ang pagtatamo ng karunungan, mabuti kaysa pumili ng pilak ang magkamit ng kaunawaan. Ang lansangan ng matuwid ay humihiwalay sa kasamaan, siyang nag-iingat ng kanyang lakad ay nag-iingat sa kanyang buhay. Ang pagmamataas ay nauuna sa kapahamakan, at ang palalong diwa ay nauuna sa pagkabuwal. Mas mabuti ang maging mapagpakumbabang loob na kasama ng mahihirap, kaysa makihati ng samsam na kasama ng mapagmataas. Siyang nakikinig sa salita ay uunlad, at ang nananalig sa PANGINOON ay mapalad. Ang pantas sa puso ay tinatawag na taong may pang-unawa, at nagdaragdag ng panghikayat ang kaaya-ayang pananalita. Ang karunungan ay bukal ng buhay sa taong ito'y taglay, ngunit kahangalan ang parusa sa mga hangal. Ang isipan ng matalino ay nagbibigay bisa sa kanyang pananalita, at sa kanyang mga labi ay nagdaragdag ng panghikayat. Ang kaaya-ayang mga salita ay parang pulot-pukyutan, katamisan sa kaluluwa at sa katawan ay kalusugan. Mayroong daan na tila matuwid sa isang tao, ngunit mga daang tungo sa kamatayan ang dulo nito. Ang gana sa pagkain ng manggagawa ay nakabubuti sa kanya, siya'y inuudyukan ng bibig niya. Ang walang kabuluhang tao ay nagbabalak ng masama, parang nakakapasong apoy ang kanyang pananalita. Ang mandarayang tao ay nagkakalat ng kaguluhan, at ang mapagbulong ay naghihiwalay sa matatalik na magkaibigan. Inaakit ng taong marahas ang kanyang kapwa, at kanyang inaakay siya sa daang masama. Siyang kumikindat ng mga mata ay nagbabalak ng masasamang bagay, siyang kumakagat labi ay siyang nagpapatupad ng kasamaan. Ang ulong ubanin ay korona ng kaluwalhatian, iyon ay nakakamtan sa daan ng katuwiran. Ang makupad sa pagkagalit ay mas mabuti kaysa makapangyarihan, at ang namamahala sa kanyang diwa, kaysa sumasakop sa isang bayan. Ang pagsasapalaran ay hinahagis sa kandungan, ngunit mula sa PANGINOON ang buong kapasiyahan. Mas mabuti ang isang tuyong tinapay na may katahimikan, kaysa bahay na puno ng pistahan ngunit may kaguluhan. Ang aliping gumagawang may katalinuhan ay mamamahala sa anak na gumagawa ng kahihiyan, at gaya ng isa sa magkakapatid, sa mana ay babahaginan. Ang dalisayan ay para sa pilak at ang hurno ay sa ginto, ngunit sinusubok ng PANGINOON ang mga puso. Nakikinig sa masasamang labi ang gumagawa ng masama, at ang sinungaling ay nakikinig sa masamang dila. Ang humahamak sa dukha ay lumalait sa kanyang Maylalang, at ang natutuwa sa kasawiang palad ay walang pagsalang parurusahan. Ang mga apo ay korona ng matatanda, at ang kaluwalhatian ng mga anak ay ang mga magulang nila. Hindi bagay sa hangal ang pinong pananalita, lalo na ang mga mandarayang mga labi, sa isang namamahala. Ang suhol ay parang mahiwagang bato sa mga mata ng nagbibigay, saanman pumihit siya'y nagtatagumpay. Ang nagpapatawad ng kasalanan ay humahanap ng pagmamahalan, ngunit ang nagpapaulit-ulit sa usapin ay naghihiwalay ng magkakaibigan. Ang saway ay tumatagos sa taong may kaunawaan, kaysa isandaang hampas sa isang taong hangal. Ang masamang tao'y naghahanap lamang ng paghihimagsik, kaya't ipadadala laban sa kanya ay isang sugong mabagsik. Hayaang masalubong ng isang tao ang babaing oso na ang mga anak ay ninakaw, kaysa sa isang hangal sa kanyang kahangalan. Kung gumanti ng kasamaan ang isang tao sa kabutihan, ang kasamaan ay hindi hihiwalay sa kanyang sambahayan. Gaya ng pagpapalabas ng tubig ang pasimula ng alitan, kaya't huminto na bago sumabog ang away. Siyang nagpapawalang sala sa masama, at siyang nagpaparusa sa matuwid, ay kapwa kasuklamsuklam sa PANGINOON. Bakit kailangang may halaga sa kamay ng hangal upang ibili ng karunungan, gayong wala naman siyang kaunawaan? Ang kaibigan sa lahat ng panahon ay nagmamahal, at ang isang kapatid ay ipinanganak para sa kagipitan. Ang taong walang katinuan ay nagbibigay ng sangla, at nagiging tagapanagot sa harapan ng kanyang kapwa. Ang umiibig sa pagsalangsang ay umiibig sa alitan; ang nagtataas ng kanyang pintuan ay humahanap ng kapahamakan. Ang taong may baluktot na diwa ay hindi sasagana, at siyang may masamang dila ay nahuhulog sa sakuna. Ang anak na hangal sa kanyang ama'y kalungkutan, at ang ama ng isang hangal ay walang kagalakan. Isang mabuting gamot ang masayang puso, ngunit ang bagbag na diwa, sa mga buto'y tumutuyo. Ang masama ay tumatanggap ng suhol mula sa kandungan, upang baluktutin ang mga daan ng katarungan. Ang taong may unawa ay humaharap sa karunungan, ngunit nasa mga dulo ng daigdig ang mga mata ng hangal. Ang hangal na anak ay kalungkutan sa kanyang ama, at kapaitan sa babaing nagsilang sa kanya. Hindi mabuti na parusahan ang matuwid, isang kamalian na ang maharlika'y mahagupit. Siyang pumipigil ng kanyang mga salita ay may kaalaman, at siyang may diwang malamig ay taong may kaunawaan. Maging ang hangal kapag tumatahimik ay maituturing na marunong, inaari siyang matalino, kapag mga labi niya'y itinitikom. Ang namumuhay nang nag-iisa ay nagpapasasa, at hinahamak ang lahat ng may mabuting pasiya. Ang hangal ay hindi nalulugod sa pang-unawa, kundi ang maihayag lamang ang sariling paniniwala. Kapag dumarating ang kasamaan, ang paghamak ay dumarating din naman, at kasama ng pagkutya ang kahihiyan. Ang mga salita ng bibig ng tao ay parang malalim na tubig; ang bukal ng karunungan ay parang umaagos na batis. Hindi mabuti na ang masamang tao ay panigan, o pagkaitan man ang taong matuwid ng katarungan. Ang mga labi ng hangal ay nagdadala ng alitan, at ang kanyang bibig ay nag-aanyaya ng hampasan. Ang bibig ng hangal ang kapahamakan niya, at ang kanyang mga labi ay bitag ng kanyang kaluluwa. Ang mga salita ng mapagbulong ay masasarap na subo ang katulad, sila'y nagsisibaba sa kaloob-looban ng katawan. Siyang sa kanyang gawain ay pabaya, ay isang kapatid ng maninira. Ang pangalan ng PANGINOON ay isang toreng matibay; tinatakbuhan ng matuwid at doon siya'y tiwasay. Ang yaman ng mayamang tao ang kanyang matibay na lunsod, at sa kanyang pag-iisip ay tulad ng pader na matayog. Bago ang pagkawasak ang puso ng tao ay palalo muna, ngunit nauuna sa karangalan ang pagpapakumbaba. Siyang sumasagot bago pa man makinig, ito'y kahangalan at sa kanya'y kahihiyan. Aalalay ang espiritu ng tao sa kanyang karamdaman; ngunit ang bagbag na diwa, sino ang makakapasan? Ang may matalinong pag-iisip ay kumukuha ng kaalaman, at ang pandinig ng marunong ay humahanap ng kaalaman. Ang kaloob ng tao ay nagbubukas ng daan sa kanya, at dinadala siya sa harap ng mga taong dakila. Ang unang naglalahad ng kanyang panig ay parang matuwid, hanggang sa may ibang dumating at siya'y siyasatin. Ang pagpapalabunutan sa mga pagtatalo'y nagwawakas, at nagpapasiya sa mga magkatunggaling malalakas. Ang kapatid na nasaktan ay tulad ng lunsod na matibay, ngunit parang mga halang ng isang kastilyo ang pag-aaway. Ang isang tao'y nabubusog ng bunga ng bibig niya, sa bunga ng kanyang mga labi ay nasisiyahan siya. Ang kamatayan at ang buhay ay nasa kapangyarihan ng dila; at ang umiibig sa kanya ay kakain ng kanyang mga bunga. Ang nakakatagpo ng asawang babae ay nakakatagpo ng mabuting bagay, at mula sa PANGINOON, pagpapala ay nakakamtan. Ang mahirap ay gumagamit ng mga pakiusap, ngunit ang mayaman ay sumasagot na may kagaspangan. May mga kaibigang nagkukunwaring kaibigan, ngunit may kaibigan na mas madikit kaysa isang kapatid. Mas mabuti ang dukha na lumalakad sa kanyang katapatan, kaysa isang taong masama ang pananalita, at isang hangal. Hindi mabuti para sa isang tao ang walang kaalaman, at siyang nagmamadali sa kanyang mga paa ay naliligaw. Ang kahangalan ng tao ang sumisira sa kanyang landas, at ang kanyang puso ay nagagalit laban sa PANGINOON. Ang kayamanan ay nagdaragdag ng maraming bagong kaibigan, ngunit ang dukha ay iniiwan ng kanyang kaibigan. Ang bulaang saksi ay tiyak na parurusahan, at hindi makakatakas ang nagsasalita ng mga kasinungalingan. Marami ang naghahangad ng pagpapala ng taong may magandang loob, at ang bawat tao'y kaibigan ng nagbibigay ng mga handog. Kinamumuhian ang mahirap ng lahat ng kanyang kapatid, gaano pa kaya ang ilalayo sa kanya ng kanyang mga kaibigan! Kanyang hinahabol sila ng mga salita, ngunit wala na sila. Siyang kumukuha ng karunungan ay umiibig sa sariling kaluluwa, siyang nag-iingat ng pang-unawa ay sasagana. Ang sinungaling na saksi ay tiyak na parurusahan, at ang nagsasalita ng mga kasinungalingan ay mamamatay. Hindi nababagay sa hangal ang mamuhay na marangya, lalo na sa alipin na sa mga pinuno ay mamahala. Ang matinong pag-iisip ng tao sa galit ay nagpapabagal, at kanyang kaluwalhatian na di pansinin ang kamalian. Ang poot ng hari ay parang ungal ng leon, ngunit parang hamog sa damo ang kanyang pagsang-ayon. Ang hangal na anak, sa kanyang ama ay kasiraan, at ang pakikipagtalo ng asawa ay patuloy na pagpatak ng ulan. Bahay at kayamanan ay minamana sa mga magulang, ngunit galing sa PANGINOON ang asawa na may katalinuhan. Ang katamaran ay nagbubulid sa tulog na mahimbing; at ang taong tamad, gutom ay daranasin. Ang nag-iingat ng utos ay kaluluwa niya ang iniingatan, ngunit ang humahamak sa salita ay mamamatay. Ang mabait sa dukha ay sa PANGINOON nagpapautang, at ang kanyang mabuting gawa sa kanya ay babayaran. Supilin mo ang iyong anak, habang may pag-asa; at huwag mong ilagak ang iyong puso sa ikapapahamak niya. Ang taong may malaking poot sa parusa ay pagbabayarin, sapagkat kung iyong iligtas siya, muli mo lamang iyong gagawin. Makinig ka sa payo, at sa pangaral ay tumanggap, upang magtamo ka ng karunungan para sa hinaharap. Sa puso ng isang tao, ang panukala'y marami, ngunit ang layunin ng PANGINOON ang siyang mananatili. Ang kanais-nais sa isang tao ay ang kanyang katapatan, at ang isang dukha ay mas mabuti kaysa isang bulaan. Ang takot sa PANGINOON ay patungo sa buhay; at ang mayroon niyon ay magpapahingang may kasiyahan; hindi siya dadalawin ng kapinsalaan. Ibinabaon ng tamad ang kanyang kamay sa pinggan, at hindi niya ibabalik pa sa kanyang bibig man lamang. Saktan mo ang manlilibak, at ang walang muwang ay matututo ng karunungan; sawayin mo ang may unawa, at siya'y magkakaroon ng kaalaman. Ang gumagawa ng karahasan sa kanyang ama, at nagpapalayas sa kanyang ina, ay anak na nakakahiya at kakutyaan ang dala. Tumigil ka, anak ko, upang makinig ng aral upang hindi ka maligaw mula sa mga salita ng kaalaman. Ang walang kabuluhang saksi ay lumilibak sa katarungan, at ang bibig ng masama ay lumalamon ng kasamaan. Nakahanda sa mga manlilibak ang kahatulan, ang paghagupit ay sa mga likod ng mga hangal. Ang alak ay manunuya, ang matapang na inumin ay manggugulo; at sinumang naililigaw nito ay hindi matalino. Ang matinding poot ng hari ay parang ungal ng leon; ang gumagalit sa kanya ay nagkakasala laban sa kanyang buhay. Karangalan para sa isang tao ang umiwas sa alitan; ngunit bawat hangal ay makikipag-away. Ang tamad ay hindi nag-aararo sa tagginaw; siya'y maghahanap sa anihan, at walang matatagpuan. Ang layunin sa puso ng tao ay parang malalim na tubig; ngunit sa taong may kaunawaan, ito'y kanyang iniigib. Maraming tao ang naghahayag ng sariling katapatan, ngunit sinong makakatagpo ng taong tapat? Ang taong matuwid na lumalakad sa katapatan niya — mapapalad ang kanyang mga anak na susunod sa kanya! Ibinubukod ng haring nakaupo sa trono ng kahatulan sa pamamagitan ng kanyang mga mata, ang lahat ng kasamaan. Sinong makapagsasabi, "Puso ko'y aking nalinisan; ako'y malinis mula sa aking kasalanan"? Iba't ibang panimbang, at iba't ibang sukatan, parehong sa PANGINOON ay karumaldumal. Ang bata man ay nakikilala sa pamamagitan ng kanyang mga gawa, kung ang kanyang ginagawa ay malinis at tama. Ang nakikinig na tainga, at ang nakakakitang mata, ang PANGINOON ang parehong gumawa sa kanila. Huwag mong ibigin ang pagtulog, baka humantong ka sa kahirapan, imulat mo ang iyong mga mata, at mabubusog ka ng tinapay. "Walang halaga, walang halaga," sabi ng mamimili; ngunit kapag nakalayo na siya, saka siya magmamalaki. Mayroong ginto, at napakaraming mga batong mahal, ngunit mahalagang hiyas ang mga labi ng kaalaman. Kunin mo ang suot ng taong nananagot sa di kilala; at tanggapan mo ng sangla ang nananagot sa mga banyaga. Matamis sa isang tao ang tinapay na nakuha sa pandaraya, ngunit pagkatapos, ang kanyang bibig ay mapupuno ng graba. Natatatag sa pamamagitan ng payo ang bawat panukala; sa pamamagitan ng matalinong patnubay ikaw ay makipagdigma. Ang naghahatid ng tsismis ay naghahayag ng mga lihim; kaya't ang nagsasalita ng kahangalan ay huwag mong kasamahin. Kung sumumpa sa kanyang ama o sa kanyang ina ang sinuman, ang kanyang ilawan ay papatayin sa pusikit na kadiliman. Ang mana na madaling nakuha sa pasimula, sa katapusan ay hindi mapagpapala. Huwag mong sabihin, "Ang masama'y aking gagantihan," maghintay ka sa PANGINOON, at ikaw ay kanyang tutulungan. Ang paiba-ibang panimbang, sa PANGINOON ay karumaldumal, at hindi mabuti ang madadayang timbangan. Ang mga lakad ng tao ay sa PANGINOON; paano ngang mauunawaan ng tao ang kanyang lakad? Isang bitag sa tao ang padalus-dalos na magsabi, "Ito ay banal," at pagkatapos gumawa ng mga panata, saka pa magbubulay-bulay. Ibinubukod ng matalinong hari ang masama, at sa gulong sila'y ipinasasagasa. Ilawan ng PANGINOON ang espiritu ng tao, na sumisiyasat ng kaloob-looban nito. Ang nagpapanatili sa hari ay katapatan at katotohanan, at ang kanyang trono ay inaalalayan ng katuwiran. Ang kaluwalhatian ng mga kabataan ay ang kanilang kalakasan, at ang kagandahan ng matatanda ay ang ulo nilang may uban. Ang mga latay na sumusugat ay lumilinis ng kasamaan; at ang mga hampas ay nagpapadalisay sa kaloob-looban. Ang puso ng hari ay nasa kamay ng PANGINOON na parang batis ng tubig; ibinabaling niya ito saanman niya ibig. Matuwid sa kanyang sariling mga mata ang bawat lakad ng tao, ngunit tinitimbang ng PANGINOON ang mga puso. Ang paggawa ng katuwiran at katarungan, ay higit na kalugud-lugod sa PANGINOON kaysa pag-aalay. Ang mapagmataas na tingin, at ang pusong palalo, siyang ilaw ng masama, ang mga ito'y kasalanan. Ang mga plano ng masipag ay patungo sa kasaganaan, ngunit ang bawat nagmamadali ay humahantong lamang sa kasalatan. Ang pagkakaroon ng kayamanan sa pamamagitan ng dilang bulaan, ay singaw na tinatangay at bitag ng kamatayan. Ang karahasan ng masama ang sa kanila'y tatangay, sapagkat ayaw nilang gawin ang makatarungan. Liko ang lakad ng may kasalanan, ngunit matuwid ang asal ng dalisay. Mas mabuting tumira sa isang sulok ng bubungan, kaysa sa isang bahay na kasama ang isang babaing palaaway. Ang kaluluwa ng masama ay kasamaan ang ninanasa, ang kanyang kapwa ay hindi nakakasumpong ng awa sa kanyang mga mata. Kapag ang manlilibak ay pinarurusahan, tumatalino ang walang muwang, kapag ang matalino ay tinuturuan, siya'y tumatanggap ng kaalaman. Pinagmamasdan ng matuwid ang bahay ng masama, ibinubulid ang masama sa pagkasira. Ang nagtatakip ng kanyang mga pandinig sa daing ng dukha, siya man ay dadaing, ngunit hindi diringgin. Ang lihim na regalo ay nagpapatahimik ng galit, ngunit ang suhol sa dibdib ay malaking poot. Kagalakan sa matuwid kapag nagawa ang katarungan, ngunit kabalisahan sa gumagawa ng kasamaan. Ang taong lumilihis sa landas ng kaunawaan, ay magpapahinga sa kapisanan ng mga patay. Ang umiibig sa kalayawan ay magiging dukha, ang umiibig sa alak at langis ay hindi sasagana. Ang masama ay pantubos para sa matuwid, at ang taksil, sa matuwid ay kapalit. Mas mabuti pang tumira sa ilang na lupain, kaysa makasama ang babaing palaaway at bugnutin. Nananatili sa tahanan ng pantas ang mahalagang kayamanan, ngunit ito'y nilalamon ng isang hangal. Ang sumusunod sa katuwiran at kabaitan, ay makakasumpong ng buhay, katuwiran, at karangalan. Sinusukat ng taong pantas ang lunsod ng makapangyarihan, at ibinabagsak ang muog na kanilang pinagtitiwalaan. Ang nag-iingat ng kanyang dila at bibig, ay nag-iingat ng kanyang sarili mula sa ligalig. Ang palalo at mapagmataas na tao, "manlilibak" ang kanyang pangalan, siya'y gumagawa na may palalong kahambugan. Ang pagnanasa ng tamad ang sa kanya'y pumapatay, sapagkat ayaw magpagal ng kanyang mga kamay. Sa buong maghapon ang masama'y nag-iimbot, ngunit ang matuwid ay nagbibigay at hindi nagdadamot. Karumaldumal ang alay ng masama; gaano pa kaya, kapag dinadala niya ito na may masamang panukala. Mapapahamak ang sinungaling na saksi, ngunit ang salita ng taong nakikinig ay mananatili. Ang masamang tao ay nagmamatigas ng kanyang mukha; ngunit isinasaalang-alang ng taong matuwid ang mga lakad niya. Walang karunungan, pang-unawa, o payo ang mananaig laban sa PANGINOON. Ang kabayo ay inihahanda para sa araw ng paglalaban, ngunit nauukol sa PANGINOON ang pagtatagumpay. Ang mabuting pangalan ay dapat piliin, kaysa malaking kayamanan, at mabuti kaysa pilak at ginto ang magandang kalooban. Ang mayaman at ang dukha ay nagkakasalubong kapwa; ang PANGINOON ang sa kanilang lahat ay gumawa. Ang matalinong tao ay nakakakita ng panganib at nagkukubli siya, ngunit nagpapatuloy ang walang muwang at siya'y nagdurusa. Ang gantimpala sa pagpapakumbaba at takot sa PANGINOON ay kayamanan, karangalan, at buhay. Nasa daan ng mandaraya ang mga tinik at silo, ang nag-iingat ng kanyang sarili, sa mga iyon ay lalayo. Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran, at kapag tumanda na siya ay hindi niya ito tatalikuran. Ang namumuno sa dukha ay ang mayaman, at ang nanghihiram ay alipin ng nagpapahiram. Ang naghahasik ng kasamaan ay aani ng kapahamakan; at ang pamalo ng kanyang poot ay di magtatagumpay. Ang may mga matang mapagbigay ay pinagpapala, sapagkat nagbibigay siya ng kanyang tinapay sa mga dukha. Itaboy mo ang manlilibak, at ang pagtatalo ay aalis; ang pag-aaway at pang-aapi ay matitigil. Siyang umiibig ng kalinisan ng puso, at mabiyaya ang pananalita, ang hari ay magiging kaibigan niya. Ang mga mata ng PANGINOON ay nagbabantay sa kaalaman, ngunit ang mga salita ng taksil ay kanyang ibinubuwal. Sinasabi ng tamad, "May leon sa labas! Mapapatay ako sa mga lansangan!" Ang bibig ng masamang babae ay isang malalim na hukay; siyang kinapopootan ng PANGINOON doon ay mabubuwal. Nakabalot sa puso ng bata ang kahangalan, ngunit inilalayo ito sa kanya ng pamalo ng pagsaway. Ang umaapi sa dukha upang magpalago ng kanyang kayamanan, at nagbibigay sa mayaman, ay hahantong lamang sa kasalatan. Ito ang mga salita ng pantas: Ikiling mo ang iyong pandinig, at dinggin mo ang aking mga salita, at gamitin mo ang iyong isip sa aking kaalaman. Sapagkat magiging kaaya-aya kung ito'y iyong iingatan sa loob mo, kung mahahandang magkakasama sa mga labi mo. Upang malagak sa PANGINOON ang tiwala mo, aking ipinakilala sa iyo sa araw na ito, oo, sa iyo. Hindi ba ako sumulat sa iyo ng tatlumpung kasabihan, ng mga pangaral at kaalaman; upang ipakita sa iyo ang matuwid at totoo, upang maibigay mo ang totoong sagot sa mga nagsugo sa iyo? Huwag mong nakawan ang dukha, sapagkat siya'y dukha, ni gipitin man ang nagdadalamhati sa pintuang bayan; sapagkat ipinaglalaban ng PANGINOON ang panig nila, at sinasamsaman ng buhay ang sumasamsam sa kanila. Huwag kang makipagkaibigan sa taong magagalitin, at huwag kang sasama sa taong bugnutin; baka matutuhan mo ang kanyang mga lakad, at ang kaluluwa mo ay mahulog sa bitag. Huwag kang maging isa sa kanila na nagbibigay sangla, o sa kanila na nananagot sa mga utang. Kung wala kang maibibigay na kabayaran, bakit kailangang kunin sa ilalim mo ang iyong higaan? Huwag mong alisin ang lumang batong hangganan, na inilagay ng iyong mga magulang. Nakikita mo ba ang taong mahusay sa kanyang gawain? Siya'y tatayo sa harap ng mga hari, hindi siya tatayo sa harap ng mga taong hamak. Kapag ikaw ay umupo upang kumain na kasalo ng isang pinuno, pansinin mong mabuti kung ano ang nasa harap mo; at ang lalamunan mo'y lagyan mo ng patalim, kung ikaw ay isang taong magana sa pagkain. Huwag mong nasain ang kanyang masasarap na pagkain, sapagkat mapandaya ang mga pagkaing iyon. Huwag magpakapagod sa pagpapayaman, maging matalino ka na ang sarili'y mapigilan. Kapag mapadako doon ang iyong paningin, iyon ay napaparam; sapagkat biglang nagkakapakpak ang kayamanan, lumilipad na gaya ng agila patungong kalangitan. Tinapay ng kuripot ay huwag mong kainin, ni nasain mo man ang kanyang masarap na pagkain. Sapagkat kung ano ang iniisip niya sa loob niya, ay gayon siya: "Kumain at uminom ka!" sabi niya sa iyo; ngunit ang puso niya ay hindi sumasaiyo. Ang subo na iyong kinain ay iyong iluluwa, at iyong sasayangin ang matatamis mong salita. Huwag kang magsalita sa pandinig ng hangal, sapagkat ang karunungan ng mga salita mo ay hahamakin niya lamang. Huwag mong alisin ang lumang batong pananda, at huwag mong pasukin ang mga bukid ng ulila, sapagkat ang kanilang Manunubos ay makapangyarihan; ang kanilang panig laban sa iyo'y kanyang ipagsasanggalang. Ihilig mo ang iyong puso sa pangaral, at ang iyong mga tainga sa mga salita ng kaalaman. Huwag mong ipagkait sa bata ang saway, kung hampasin mo siya ng pamalo, siya'y hindi mamamatay. Kung siya'y hahampasin mo ng pamalo, mula sa Sheol ang kanyang kaluluwa'y ililigtas mo. Kung ang iyong puso ay marunong, aking anak, ang puso ko rin naman ay magagalak. ng kaluluwa ko'y matutuwa, kapag ang iyong mga labi'y nagsasalita ng tama. Huwag mainggit ang iyong puso sa mga makasalanan, kundi magpatuloy ka sa takot sa PANGINOON sa buong araw. Sapagkat tunay na may kinabukasan, at ang iyong pag-asa ay hindi mapaparam. Makinig ka, anak ko, at ikaw ay magpakatalino, at iyong patnubayan sa daan ang puso mo. Huwag kang makisama sa mga maglalasing, at silang sa karne ay matatakaw kumain. Sapagkat ang lasenggo at ang matakaw ay darating sa kahirapan, at ang pagkaantukin ay magbibihis sa tao ng basahan. Dinggin mo ang iyong ama na naging anak ka, at huwag mong hamakin ang iyong ina kung siya'y matanda na. Bumili ka ng katotohanan at huwag mong ipagbili naman, bumili ka ng karunungan, ng pangaral at kaunawaan. Ang ama ng matuwid ay lubos na sasaya, at ang nagkaroon ng matalinong anak ay magagalak sa kanya. Hayaang ang iyong ama at ina ay sumaya, at siyang nagsilang sa iyo ay lumigaya. Anak ko, ang puso mo sa akin ay ibigay, at magmasid ang iyong mga mata sa aking mga daan. Sapagkat ang masamang babae ay isang malalim na hukay, at ang babaing di kilala ay isang makipot na balon. Oo, siya'y nag-aabang na parang tulisan, at nagpaparami ng mga taksil sa mga kalalakihan. Sinong may pagkaaba? Sinong may kalungkutan? Sinong may gulo? Sinong may karaingan? Sino ang may sugat na walang kadahilanan? Sino ang may matang may kapulahan? Silang naghihintay sa alak; silang sumusubok ng pinaghalong alak. Huwag kang tumingin sa alak kapag ito'y mapula, kapag nagbibigay ng kanyang kulay sa kopa, at maayos na bumababa. Sa huli ay parang ahas itong kumakagat, at ulupong na tumutuklaw ang katulad. Ang iyong mga mata ay makakakita ng mga kakatuwang bagay, at ang iyong puso ay magsasabi ng mga mandarayang bagay. Ikaw ay magiging parang taong nahihiga sa gitna ng karagatan, o parang nahihiga sa dulo ng isang tagdan ng sasakyan. "Kanilang pinalo ako, ngunit hindi ako nasaktan; hinampas nila ako, ngunit hindi ko naramdaman. Kailan ako gigising? Hahanap ako ng isa pang tagay." Huwag kang maiinggit sa taong masasama, ni maghangad man na sila'y makasama. Sapagkat ang kanilang puso ay nagbabalak ng karahasan, at ang kanilang mga labi ay nagsasalita ng kalikuan. Sa pamamagitan ng karunungan ay naitatayo ang bahay; at naitatatag sa pamamagitan ng kaunawaan. Napupuno ang mga silid sa pamamagitan ng kaalaman, ng lahat ng mahahalaga at kaaya-ayang kayamanan. Ang taong pantas ay mas makapangyarihan kaysa sa malakas, at ang taong may kaalaman kaysa sa may kalakasan. Sapagkat maaari kang makidigma kapag may matalinong pamamatnubay, at sa karamihan ng mga tagapayo ay mayroong tagumpay. Ang karunungan ay napakataas para sa isang hangal; hindi niya ibinubuka ang kanyang bibig sa may pintuang-bayan. Siyang nagbabalak ng paggawa ng kasamaan, ay tatawaging manggagawa ng kalokohan. Ang pagbabalak ng kahangalan ay kasalanan, at ang manlilibak, sa mga tao ay karumaldumal. Kung manlupaypay ka sa araw ng kahirapan, maliit ang iyong kalakasan. Iligtas mo silang dinadala sa kamatayan, pigilan mo silang natitisod patungo sa katayan. Kung iyong sinasabi, "Narito, hindi namin ito nalalaman." Hindi ba niya alam ang sa mga puso'y tumitimbang? At siyang nagbabantay sa iyong kaluluwa, hindi ba niya nalalaman? At ang bawat tao ayon sa gawa niya ay di ba niya gagantihan? Anak ko, kumain ka ng pulot, sapagkat ito'y mainam, at matamis sa iyong panlasa ang tulo ng pulot-pukyutan. Alamin mo na gayon sa iyo ang karunungan; kung ito'y iyong matagpuan, mayroong kinabukasan, at ang iyong pag-asa ay hindi mahihiwalay. Tulad ng masamang tao, ang tahanan ng matuwid ay huwag mong tambangan, huwag mong gawan ng dahas ang kanyang tahanan. Sapagkat ang matuwid ay makapitong nabubuwal at bumabangon na naman, ngunit ang masama ay nabubuwal sa pamamagitan ng kasakunaan. Kapag nabubuwal ang iyong kaaway ay huwag kang magalak, at huwag matuwa ang iyong puso kapag siya'y bumabagsak; baka ito'y makita ng PANGINOON, at ikagalit niya, at kanyang alisin ang poot niya sa kanya. Huwag kang mayamot dahil sa mga gumagawa ng kasamaan, at ang masamang tao ay huwag mong kainggitan. Sapagkat ang masamang tao'y walang bukas na haharapin, at ang ilawan ng masama ay papatayin. Anak ko, sa PANGINOON at sa hari ay matakot ka, sa mga pabagu-bago ay huwag kang makisama. Sapagkat biglang dumarating mula sa kanila ang kapahamakan, at ang pagkawasak na nagmumula sa kanila, ay sinong nakakaalam? Ang mga ito ay mga kasabihan din ng pantas: Ang pagtatangi sa paghatol ay hindi mabuti. Siyang nagsasabi sa masama, "Matuwid ka," ay susumpain ng mga bayan, kapopootan ng mga bansa; ngunit silang sumasaway sa masama ay magkakaroon ng tuwa, at sa kanila'y darating ang mabuting pagpapala. Ang nagbibigay ng tamang sagot ay humahalik sa mga labi. Ihanda mo sa labas ang iyong gawa, at ihanda mo para sa sarili mo sa parang; at pagkatapos ay gawin mo ang iyong bahay. Huwag kang sumaksi laban sa iyong kapwa nang walang kadahilanan; at sa pamamagitan ng iyong mga labi ay huwag kang manlinlang. Huwag mong sabihin, "Gagawin ko sa kanya ang ginawa niya sa akin; kung anong ginawa niya, iyon ang igaganti ko sa kanya." Sa bukid ng tamad ako'y napadaan, at sa ubasan ng taong salat sa katinuan; at, narito, tinubuang lahat ng mga tinik, ang ibabaw niyon ay natatakpan ng mga dawag, at ang batong bakod nito ay bumagsak. Pagkatapos ay nakita ko at aking pinag-isipan, ako'y tumingin at tumanggap ng pangaral. Kaunting tulog, kaunti pang pag-idlip, kaunting paghahalukipkip ng mga kamay upang magpahinga, at darating ang iyong karalitaan na parang magnanakaw; at ang kahirapan na parang taong may sandata. Ang mga ito ay mga kawikaan din ni Solomon, na sinipi ng mga tauhan ni Hezekias na hari ng Juda. Kaluwalhatian ng Diyos na ang mga bagay ay ilihim, ngunit kaluwalhatian ng mga hari na ang mga bagay ay saliksikin. Gaya ng langit sa kataasan, at ng lupa sa kalaliman, gayon ang isipan ng mga hari ay di masiyasat. Ang dumi sa pilak ay iyong alisin, at ang panday para sa isang kasangkapan ay may gagamitin; alisin ang taong masama sa harapan ng hari, at ang kanyang luklukan ay matatatag sa katuwiran. Sa harapan ng hari ay huwag kang mangunguna, at huwag kang tatayo sa lugar ng mga taong dakila, sapagkat mas mabuting sabihan ka, "Umakyat ka rito," kaysa ibaba ka sa harapan ng pangulo. Ang nakita ng iyong mga mata, huwag mo kaagad dalhin sa hukuman; sapagkat anong gagawin mo sa wakas niyon, kapag ikaw ay hiniya ng iyong kapwa? Ipaglaban mo ang iyong usapin sa harap ng iyong kapwa, at huwag mong ihayag ang lihim ng iba; baka ang nakakarinig sa iyo ay dalhan ka ng kahihiyan, at hindi magwakas ang iyong kasiraan. Ang naaangkop na salitang binitawan, ay gaya ng mga mansanas na ginto sa pilak na lalagyan. Tulad ng singsing na ginto, at palamuting gintong dalisay, sa nakikinig na tainga ang pantas na tagasaway. Tulad ng lamig ng niyebe sa panahon ng anihan, ang tapat na sugo sa kanila na nagsugo sa kanya, sapagkat kanyang pinagiginhawa ang espiritu ng mga panginoon niya. Tulad ng mga ulap at hangin na walang ulan, ang taong naghahambog ng kanyang kaloob na hindi niya ibinibigay. Sa pamamagitan ng pagtitiyaga maaaring mahikayat ang pinuno, at ang malumanay na dila ay bumabali ng buto. Kung nakasumpong ka ng pulot, kumain ka ng sapat sa iyo, baka ikaw ay masuya, at ito'y isuka mo. Dapat paminsan-minsan lamang ang paa mo sa bahay ng iyong kapwa, baka siya'y magsawa sa iyo, at kamuhian ka. Ang taong sumasaksi ng kasinungalingan laban sa kanyang kapwa-tao ay tulad ng batuta, o isang tabak, o ng isang matulis na palaso. Ang pagtitiwala sa taong di tapat sa panahon ng kagipitan, ay gaya ng sirang ngipin, at ng paang nabalian. Ang umaawit ng mga awit sa pusong mabigat, ay tulad ng nag-aalis ng damit sa panahon ng tagginaw, at tulad ng suka sa sugat. Kung ang iyong kaaway ay gutom, bigyan mo siya ng makakain; at kung siya'y uhaw, bigyan mo siya ng tubig na iinumin; sapagkat magbubunton ka sa ulo niya ng mga baga ng apoy, at gagantimpalaan ka ng PANGINOON. Ang hanging amihan ay ulan ang hatid; at ang mapanirang dila, mga tingin na may galit. Mas mabuti ang tumira sa isang sulok ng bubungan, kaysa sa isang bahay na kasama ng isang babaing palaaway. Tulad ng malamig na tubig sa uhaw na kaluluwa, gayon ang mabuting balita na sa malayong lupain nagmula. Tulad ng malabong balon at maruming bukal, ang taong matuwid na sa masama'y nagbibigay daan. Ang kumain ng napakaraming pulot ay hindi mabuti, at hindi kapuri-puri na hanapin ang papuri sa sarili. Siyang hindi nagpipigil ng kanyang sarili, ay parang lunsod na winasak at walang pader na nalabi. Tulad ng yelo sa tag-init, o ng ulan sa anihan, ang karangalan ay hindi nababagay sa hangal. Tulad ng maya sa kanyang paggagala, tulad ng langay-langayan sa kanyang paglipad, ang sumpa na walang kadahilanan ay hindi lumalapag. Ang hagupit ay sa kabayo, ang bokado ay sa asno, at sa likod ng mga hangal ay ang pamalo. Huwag mong sagutin ang hangal ayon sa kahangalan niya, baka ikaw sa kanya ay mapagaya. Sagutin mo ang hangal ayon sa kahangalan niya, baka siya'y maging pantas sa kanyang sariling mga mata. Siyang nagpapadala ng mensahe sa kamay ng hangal, ay pumuputol sa sarili niyang mga paa at umiinom ng karahasan. Tulad ng mga binti ng pilay na nakabiting walang kabuluhan, gayon ang kawikaan sa bibig ng mga hangal. Tulad ng isang nagbabalot ng bato sa tirador, gayon ang nagbibigay ng karangalan sa isang hangal. Tulad ng tinik na tumutusok sa kamay ng lasing, gayon ang kawikaan sa bibig ng mga hangal. Tulad ng mamamanang sumusugat sa lahat, gayon ang umuupa sa nagdaraang hangal o lasing. Tulad ng aso na sa kanyang suka ay bumabalik, gayon ang hangal na sa kanyang kahangalan ay umuulit. Nakikita mo ba ang taong marunong sa ganang sarili niya? May higit na pag-asa pa ang hangal kaysa kanya. Sinasabi ng tamad, "May leon sa daan; may leon sa mga lansangan!" Kung paano ang pintuan ay pumipihit sa kanyang bisagra, gayon ang tamad sa higaan niya. Ibinabaon ng tamad ang kamay niya sa pinggan; ang dalhin uli iyon sa kanyang bibig ay kanyang kinapapaguran. Ang tamad ay mas marunong sa kanyang sariling pananaw, kaysa pitong tao na makakasagot na may katuwiran. Ang nakikialam sa hindi naman niya away, ay gaya ng humahawak sa tainga ng asong nagdaraan. Tulad ng taong ulol na naghahagis ng mga nakakasakit na sandata, mga pana, at kamatayan; gayon ang taong nandaraya sa kanyang kapwa, at nagsasabi, "Ako'y nagbibiro lamang!" Sapagkat sa kakulangan ng gatong ang apoy ay namamatay, at kung saan walang salita ng sitsit ay tumitigil ang alitan. Kung paano ang mga uling sa maiinit na baga, at ang kahoy sa apoy; gayon ang taong palaaway na nagpapaningas ng sigalot. Ang mga salita ng sitsit ay parang mga subong malinamnam, nagsisibaba ang mga ito sa kaloob-looban ng katawan. Ang mapupusok na labi at masamang puso ay parang sisidlang lupa na nababalot ng dumi ng pilak. Ang namumuhi ay nagkukunwari sa pamamagitan ng mga labi niya, at siya'y naglalagay sa puso niya ng daya. Kapag magiliw siyang magsalita, huwag mo siyang paniwalaan; sapagkat sa kanyang puso ay may pitong karumaldumal. Bagaman ang kanyang pagkamuhi ay matakpan ng kadayaan, ang kanyang kasamaan ay malalantad sa harap ng kapulungan. Ang humuhukay ng balon ay mahuhulog doon, at ang nagpapagulong ng bato ay babalikan niyon. Ang sinungaling na dila ay namumuhi sa kanyang mga sinaktan, at ang bibig ng di tapat magpuri ay gumagawa ng kasiraan. Huwag mong ipagyabang ang kinabukasan; sapagkat hindi mo alam kung ano ang dadalhin ng isang araw. Purihin ka ng ibang tao at huwag ng iyong sariling bibig; ng dayuhan, at huwag ng iyong sariling mga labi. Ang bato ay mabigat, at ang buhangin ay matimbang; ngunit mas mabigat sa mga ito ang galit ng hangal. Ang poot ay malupit, at ang galit ay nakakapuno, ngunit sinong makakatayo sa harap ng paninibugho? Mas mabuti ang hayag na pagsaway, kaysa nakatagong pagmamahal. Tapat ang mga sugat mula sa kaibigan, labis-labis ang mga halik ng kaaway. Ang taong busog ay nasusuya sa pulot-pukyutan; ngunit sa taong gutom ang bawat mapait ay katamisan. Tulad ng ibong naliligaw mula sa kanyang pugad, gayon ang taong naliligaw mula sa kanyang bahay. Ang langis at pabango sa puso'y nagpapasaya, gayon katamis ang payo ng isang tao sa kaibigan niya. Ang iyong kaibigan at ang kaibigan ng iyong ama, ay huwag mong pabayaan; at huwag kang pumaroon sa bahay ng iyong kapatid sa araw ng iyong kasawian. Mas mabuti pa ang malapit na kapitbahay, kaysa isang kapatid na malayo naman. Anak ko, ikaw ay magpakadunong, at puso ko'y iyong pasayahin, upang aking masagot ang tumutuya sa akin. Ang taong matalino ay nakakakita ng panganib, at nagkukubli siya, ngunit nagpapatuloy ang walang muwang at siya'y nagdurusa. Kunin mo ang suot ng taong nananagot sa di kilala; at tanggapan mo ng sangla na nananagot sa babaing banyaga. Sinumang maagang bumangon, upang pagpalain ang kanyang kapwa sa malakas na tinig ay ituturing na nanunumpa. Ang patuloy na pagtulo sa araw na maulan at ang babaing palaaway ay magkahalintulad; ang pagpigil sa babaing iyon ay pagpigil sa hangin, o paghawak ng langis sa kanyang kanang kamay. Ang bakal ay nagpapatalas sa bakal; at ang tao ang nagpapatalas sa isa pang tao. Ang nag-aalaga ng puno ng igos ay kakain ng bunga niyon; at pararangalan ang nagbabantay sa kanyang panginoon. Kung paanong sa tubig ang mukha ay naaaninaw, gayon naaaninaw ang tao sa kanyang isipan. Ang Sheol at ang Abadon ay hindi nasisiyahan kailanman; at ang mga mata ng tao kailanma'y hindi nasisiyahan. Ang lutuan ay sa pilak, at ang hurno ay sa ginto, at ang tao ay hinahatulan sa pagpupuri nito. Durugin mo man ang hangal kasama ng binayong trigo sa isang bayuhan, gayunma'y hindi hihiwalay sa kanya ang kanyang kahangalan. Alamin mong mabuti ang kalagayan ng iyong mga kawan, at tingnan mong mabuti ang iyong mga hayupan; apagkat ang mga yaman ay hindi nagtatagal magpakailanman; at ang korona ba'y nananatili sa lahat ng salinlahi? Kapag ang damo ay nawala na, at ang sariwang damo ay lumitaw, at ang mga halaman sa mga bundok ay pinipisan, ang mga kordero ang magbibigay ng iyong damit, at ang mga kambing ay siyang halaga ng bukid; magkakaroon ng sapat na gatas ng kambing bilang iyong pagkain, sa pagkain ng iyong sambahayan, at pagkain sa iyong mga alilang kababaihan. Ang masama ay tumatakas gayong wala namang humahabol; ngunit ang mga matuwid ay matatapang na parang leon. Kapag ang lupain ay naghihimagsik, marami ang kanyang mga pinuno; ngunit kapag ang pinuno ay may unawa at kaalaman, magpapatuloy ang katatagan nito. Ang dukha na umaapi sa dukha, ay bugso ng ulan na walang pagkaing iniiwan. Silang nagpapabaya sa kautusan ay nagpupuri sa masama; ngunit ang nag-iingat ng kautusan ay nakipaglaban sa kanila. Ang masasamang tao ay hindi nakakaunawa ng katarungan, ngunit silang nagsisihanap sa PANGINOON ay nakakaunawa nito nang lubusan. Mas mabuti ang dukha na lumalakad sa kanyang katapatan, kaysa taong mayaman na liko sa kanyang mga daan. Matalinong anak ang tumutupad sa kautusan, ngunit ang kasama ng matatakaw, sa kanyang ama ay kahihiyan. Ang nagpapalago ng kanyang yaman sa pamamagitan ng labis na patubo, ay nagtitipon para sa iba na mabait sa dukha. Ang naglalayo ng kanyang pandinig sa pakikinig ng kautusan, maging ang kanyang panalangin ay karumaldumal. Sinumang nagliligaw sa matuwid tungo sa masamang daan, ay siya ring mahuhulog sa kanyang sariling hukay; ngunit ang sakdal ay magmamana ng kabutihan. Ang mayamang tao ay marunong sa ganang kanyang sarili, ngunit ang dukha na may unawa ay nagsusuri. Kapag ang matuwid ay nagtatagumpay, may dakilang kaluwalhatian; ngunit kapag ang masama ay bumabangon, ang mga tao'y nagkukublihan. Siyang nagtatakip ng kanyang mga pagsuway ay hindi sasagana, ngunit ang nagpapahayag at tumatalikod sa mga iyon ay magtatamo ng awa. Mapalad ang tao na sa PANGINOON ay natatakot tuwina, ngunit siyang nagmamatigas ng kanyang puso ay mahuhulog sa sakuna. Tulad ng umuungal na leon at ng osong sumasalakay, gayon ang masamang pinuno sa maralitang bayan. Ang pinunong kulang sa pang-unawa ay isang malupit na manlulupig, ngunit siyang namumuhi sa kasakiman, kanyang mga araw ay lalawig. Kung ang isang tao'y nagpapasan ng dugo ng sinuman, hayaan siyang maging takas hanggang kamatayan; huwag siyang tulungan ng sinuman. Maliligtas ang lumalakad sa katapatan, ngunit ang baluktot sa kanyang mga lakad ay mahuhulog sa hukay. Siyang nagbubungkal ng kanyang lupain ay magkakaroon ng saganang tinapay; ngunit siyang sumusunod sa mga walang kabuluhang gawa ay maghihirap nang lubusan. Ang taong tapat ay sasagana sa pagpapala; ngunit siyang nagmamadali sa pagyaman ay tiyak na parurusahan. Hindi mabuti ang may kinikilingan; ngunit gagawa ng masama ang isang tao dahil sa isang pirasong tinapay. Ang kuripot ay nagmamadali sa pagyaman, at hindi nalalaman na darating sa kanya ang kasalatan. Siyang sumasaway sa isang tao ay makakasumpong sa ibang araw ng higit na pagpapala, kaysa sa taong kunwari'y pumupuri sa pamamagitan ng dila. Ang nagnanakaw sa kanyang ama o sa kanyang ina, at nagsasabi, "Hindi ito masama," ay kasamahan ng maninira. Nag-uudyok ng away ang taong sakim, ngunit ang nagtitiwala sa PANGINOON ay payayamanin. Siyang nagtitiwala sa kanyang sariling puso ay hangal; ngunit maliligtas ang lumalakad na may katalinuhan. Siyang nagbibigay sa dukha ay hindi kakapusin, ngunit siyang nagkukubli ng kanyang mga mata, sa sumpa'y pararamihin. Kapag ang masama ay bumabangon, ang mga tao'y nagkukubli, ngunit kapag sila'y namatay, ang matuwid ay dumarami. Ang madalas na sawayin ngunit ang ulo ay matigas, ay biglang mababali, at wala nang lunas. Kapag ang matutuwid ay namamahala, ang bayan ay nagsasaya, ngunit kapag ang masama ay namumuno, ang bayan ay nagbubuntong-hininga. Ang umiibig sa karunungan ay nagpapasaya sa kanyang ama; ngunit ang nakikisama sa upahang babae ay sumisira ng kayamanan niya. Pinatatatag ng hari ang lupain sa pamamagitan ng katarungan; ngunit ginigiba ito ng humihingi ng suhol na sapilitan. Ang taong kunwari'y pumupuri sa kanyang kapwa, ay naglalatag ng lambat sa kanyang mga paa. Ang masamang tao'y nasisilo sa kanyang pagsalangsang, ngunit ang taong matuwid ay umaawit at nagdiriwang. Alam ng matuwid ang karapatan ng dukha; ngunit ang gayong kaalaman ay di nauunawaan ng masama. Ang mga manlilibak ang sa isang lunsod ay tumutupok, ngunit ang matatalinong tao ay nag-aalis ng poot. Kung ang pantas ay magkaroon ng pakikipagtalo sa isang hangal, magagalit lamang o tatawa ang hangal, at hindi magkakaroon ng katahimikan. Ang mga taong uhaw sa dugo ay namumuhi sa walang sala, at ang buhay ng matuwid ay hinahabol nila. Inihihinga ng hangal ang kanyang buong galit, ngunit ang matalino ay nagpipigil nang tahimik. Kung ang pinuno ay nakikinig sa kasinungalingan, magiging masasama ang lahat niyang tauhan. Ang dukha at ang nang-aapi ay nagkakasalubong, ang mga mata nilang pareho ay pinagliliwanag ng PANGINOON. Kung ang hari ay humahatol sa dukha nang may katarungan, ang kanyang trono ay matatatag magpakailanman. Ang pamalo at saway ay nagbibigay ng karunungan, ngunit ang batang pinababayaan, sa kanyang ina ay nagbibigay kahihiyan. Kapag ang masama ay nanunungkulan, dumarami ang pagsalangsang, ngunit pagmamasdan ng matuwid ang kanilang pagkabuwal. Supilin mo ang iyong anak, at bibigyan ka niya ng kapahingahan; ang iyong puso ay bibigyan niya ng kasiyahan. Kung saan walang pangitain, nagpapabaya ang taong bayan, ngunit mapalad ang sumusunod sa kautusan. Ang alipin ay hindi masasaway ng mga salita lamang, sapagkat kahit nauunawaan niya ay hindi niya papakinggan. Nakikita mo ba ang tao na padalus-dalos sa kanyang mga salita? May pag-asa pa ang hangal kaysa kanya. Siyang nag-aaruga sa kanyang lingkod mula sa pagkabata, sa bandang huli ay magiging kanyang tagapagmana. Ang taong magagalitin ay lumilikha ng away, at ang mainitin ang ulo ay sanhi ng maraming pagsuway. Ang kapalaluan ng tao ang sa kanya'y magpapababa, ngunit magtatamo ng karangalan ang may mapagpakumbabang diwa. Ang kasamahan ng magnanakaw ay namumuhi sa kanyang buhay; naririnig niya ang sumpa, ngunit walang ipinaaalam. Ang takot sa tao ay naglalatag ng bitag, ngunit ang nagtitiwala sa PANGINOON ay maliligtas. Marami ang humahanap ng lingap ng isang tagapamahala, ngunit ang katarungan ay sa PANGINOON makukuha. Ang masamang tao ay karumaldumal sa matuwid; at ang matuwid sa kanyang lakad ay karumaldumal sa masama. Ang mga salita ni Agur na anak ni Jakeh; ng Massa. Sinabi ng lalaki kay Ithiel, kay Ithiel at kay Ucal: Tunay na ako'y hangal kay sa kaninuman, pag-unawa ng isang tao ay hindi ko taglay. Hindi ako natuto ng karunungan, ni nagkaroon man ako ng kaalaman ng Banal. Sino ang umakyat sa langit at bumaba? Sino ang nagtipon ng hangin sa kanyang mga kamao? Sinong nagbalot ng tubig sa kanyang damit? Sinong nagtatag ng lahat ng mga dulo ng daigdig? Ano ang kanyang pangalan? At ano ang pangalan ng kanyang anak? Tiyak na iyong nalalaman! Bawat salita ng Diyos ay subok na totoo, siya'y kalasag sa kanila na kumakanlong sa kanya. Huwag kang magdagdag sa kanyang mga salita, baka sawayin ka niya at masumpungang sinungaling ka. Dalawang bagay ang sa iyo'y aking hinihiling; bago ako mamatay ay huwag mong ipagkait sa akin. Ilayo mo sa akin ang daya at ang kasinungalingan; huwag mo akong bigyan ng kasalatan o kayamanan man; pakainin mo ako ng pagkain na aking kinakailangan, baka ako'y mabusog, at itakuwil kita at sabihin ko, "Sino ang PANGINOON?" O baka ako'y maging dukha, at ako'y magnakaw, at ang pangalan ng aking Diyos ay malapastangan. Huwag mong siraan ang alipin sa panginoon niya, baka ka sumpain niya, at mapatunayan kang may sala. May mga nagmumura sa kanilang ama, at hindi pinagpapala ang kanilang ina. May mga malinis sa kanilang sariling mga mata, gayunman ay hindi malinis sa karumihan nila. May lahi, O mapagmataas ang kanilang mga mata, at napakataas ang mga talukap-mata nila! May mga tao na ang mga ngipin ay parang mga tabak, at ang kanilang mga ngipin ay parang mga kutsilyo, upang lamunin ang dukha mula sa lupa, at ang nangangailangan sa gitna ng mga tao. Ang linta ay may dalawang anak, na sumisigaw, "Bigyan mo ako, bigyan mo ako." May tadong bagay na kailanman ay hindi nasisiyahan, Oo, apat na hindi nagsasabing, 'Tama na": Ang Sheol, at ang baog na bahay-bata; ang lupa na laging uhaw sa tubig; at ang apoy na hindi nagsasabing, "Sapat na." Ang mata na tumutuya sa kanyang ama, at humahamak ng pagsunod sa kanyang ina, ay tutukain ng mga uwak sa libis, at kakainin ng mga buwitre. May tatlong bagay na totoong kagila-gilalas sa akin; Oo, apat na hindi ko nauunawaan: ang daan ng agila sa himpapawid, ang daan ng ahas sa ibabaw ng mga bato, ang daan ng sasakyan sa gitna ng dagat, at ang daan ng lalaki na kasama ng isang dalaga. Ganito ang lakad ng babaing mapangalunya: Siya'y kumakain, at bibig niya'y pinupunasan, at nagsasabi, "Wala akong nagawang kasamaan." Nanginginig ang lupa sa ilalim ng tatlong bagay; mayroong apat na hindi niya mapasan: kapag naging hari ang isang alipin, at ang isang hangal, kapag nabubusog ng pagkain; ang isang babaing di kanaisnais kapag nakapag-asawa; at ang isang aliping babae, kapag ang kanyang panginoong babae ay hinalinhan niya. May apat na bagay na maliliit sa lupa, ngunit sila'y matatalinong lubha: Ang mga langgam ay hindi malakas na sambayanan, gayunma'y nag-iimbak ng kanilang pagkain sa tag-araw; hindi makapangyarihang bayan ang mga kuneho, gayunma'y gumagawa sila ng bahay sa malalaking bato; walang hari ang mga balang, gayunma'y lumalabas silang lahat na nakahanay; mahahawakan ng iyong mga kamay ang butiki, gayunman ito'y nasa mga palasyo ng mga hari. May tatlong bagay na sa kanilang lakad ay marangal; may apat na marangal sa kanilang paghakbang: ang leon na pinakamalakas sa mga hayop, at sa kanino man ay hindi tumatalikod; ang tandang na magilas; ang kambing na lalaki, at ang haring palakad-lakad sa harap ng kanyang bayan. Kung ikaw ay naging hangal, na ang sarili'y itinaas, o kung ikaw ay nagbabalak ng kasamaan, ilagay sa iyong bibig ang iyong kamay. Sapagkat sa pagpisil sa gatas, mantekilya'y lumalabas, at sa pagpisil sa ilong, dugo'y dumadaloy, gayon ang pagpisil sa poot, lumilikha ng sigalot. Ang mga salita ni Haring Lemuel; na itinuro sa kanya ng kanyang ina: Ano, anak ko? Ano, O anak ng aking bahay-bata? Ano, O anak ng aking mga panata? Huwag mong ibigay ang iyong lakas sa mga babae, o ang iyong mga lakad sa mga lumilipol ng mga hari. Hindi para sa mga hari, O Lemuel, hindi para sa mga hari ang uminom ng alak, ni para sa mga pinuno ang magnais ng matapang na alak; baka sila'y uminom, at makalimutan ang itinakdang kautusan, at baluktutin ang karapatan ng lahat ng nahihirapan. Bigyan mo ng matapang na inumin ang malapit nang mamamatay, at ng alak ang nasa mapait na kaguluhan; hayaan silang uminom at lumimot sa kanilang kahirapan, at huwag nang alalahanin pa ang kanilang kasawian. Buksan mo ang iyong bibig alang-alang sa pipi, para sa karapatan ng lahat ng naiwang walang kandili. Buksan mo ang iyong bibig, humatol ka nang may katuwiran, at ipagtanggol mo ang karapatan ng dukha at nangangailangan. Sinong makakatagpo ng isang butihing babae? Sapagkat siya'y higit na mahalaga kaysa mga batong rubi. Ang puso ng kanyang asawa, sa kanya'y nagtitiwala, at siya'y hindi kukulangin ng mapapala. Gumagawa siya ng mabuti sa kanya at hindi kasamaan sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay. Siya'y humahanap ng balahibo ng tupa at lino, at kusang loob ang kanyang mga kamay ay nagtatrabaho. Siya'y gaya ng mga sasakyang dagat ng mangangalakal, nagdadala siya ng kanyang pagkain mula sa kalayuan. Siya'y bumabangon samantalang gabi pa, at naghahanda ng pagkain para sa kanyang pamilya, at nagtatakda ng mga gawain sa mga babaing alila niya. Tinitingnan niya ang isang bukid at ito'y binibili niya, sa bunga ng kanyang mga kamay ay nagtatanim siya ng ubasan. Binibigkisan niya ng lakas ang kanyang mga balakang, at pinalalakas ang kanyang mga bisig. Kanyang nababatid na kikita ang kanyang kalakal, ang kanyang ilaw sa gabi ay hindi namamatay. Kanyang inilalagay ang kanyang mga kamay sa panulid, at ang kanyang mga kamay ay humahawak ng panghabi. Binubuksan niya sa mga dukha ang kanyang kamay, iniaabot niya ang kanyang mga kamay sa nangangailangan. Hindi siya natatakot sa niyebe para sa sambahayan niya, sapagkat ang buo niyang sambahayan ay nakadamit na pula. Gumagawa siya ng mga saplot para sa sarili, ang kanyang pananamit ay pinong lino at kulay ube. Kilala ang kanyang asawa sa mga pintuang bayan, kapag siya'y nauupong kasama ng matatanda sa lupain. Gumagawa siya ng mga kasuotang lino at ito'y ipinagbibili, at nagbibigay ng mga pamigkis sa mga negosyante. Kalakasan at dangal ang kanyang kasuotan, at ang panahong darating ay kanyang tinatawanan. Binubuka niya ang kanyang bibig na may karunungan; at nasa kanyang dila ang aral ng kabaitan. Kanyang tinitingnang mabuti ang mga lakad ng kanyang sambahayan, at hindi siya kumakain ng tinapay ng katamaran. Tumatayo ang kanyang mga anak, at tinatawag siyang mapalad; gayundin ang kanyang asawa, at kanyang pinupuri siya: "Maraming anak na babae ang nakagawa ng kabutihan, ngunit silang lahat ay iyong nahigitan." Ang alindog ay madaya, at ang ganda ay walang kabuluhan, ngunit ang babaing natatakot sa PANGINOON ay papupurihan. Bigyan siya ng bunga ng kanyang mga kamay, at purihin siya ng kanyang mga gawa sa mga pintuang bayan. Ang mga salita ng Mangangaral na anak ni David, hari sa Jerusalem. Walang kabuluhan ng mga walang kabuluhan, sabi ng Mangangaral; walang kabuluhan ng mga walang kabuluhan! Lahat ay walang kabuluhan. Anong pakinabang mayroon ang tao sa lahat ng kanyang pagpapagal, na kanyang pinagpapaguran sa ilalim ng araw? Isang salinlahi ay umaalis, at dumarating ang isang salinlahi naman, ngunit ang daigdig ay nananatili magpakailanman. Sumisikat ang araw, at lumulubog din ang araw, at nagmamadali sa dakong kanyang sinisikatan. Ang hangin ay humihihip sa timog, at patungo sa hilaga na nagpapaikut-ikot; at paikut-ikot na ang hangin ay humahayo, at ang hangin ay bumabalik sa iniikutan nito. Lahat ng mga ilog ay sa dagat nagtutungo, ngunit ang dagat ay hindi napupuno; sa dakong inaagusan ng mga ilog, doon ay muli silang umaagos. Lahat ng mga bagay ay nakakapagod, higit sa masasabi ng tao; ang mata sa pagtingin ay hindi nasisiyahan, ni ang tainga sa pakikinig ay walang kabusugan. Ang nangyari ay siyang mangyayari, at ang nagawa na ay siyang gagawin, at walang bagong bagay sa ilalim ng araw. May bagay ba na masasabi tungkol dito, "Tingnan mo, ito ay bago"? Ganyan na iyan, nauna pa sa ating mga kapanahunan. Ang mga tao noong una ay hindi naaalala, ni magkakaroon ng alaala pa man tungkol sa mga tao ng mga taong susunod pagkatapos nila. Akong Mangangaral ay naging hari sa Israel sa Jerusalem. Ginamit ko ang aking isipan upang hanapin at siyasatin sa pamamagitan ng karunungan ang lahat ng ginawa sa silong ng langit. Iyon ay isang malungkot na gawain na ibinigay ng Diyos sa mga anak ng mga tao upang pagkaabalahan. Aking nakita ang lahat ng ginawa sa ilalim ng araw; at tingnan mo, lahat ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin. Ang baluktot ay hindi matutuwid; at ang wala ay hindi mabibilang. Sinabi ko sa aking sarili, "Nagtamo ako ng malaking karunungang higit kaysa lahat ng nauna sa akin sa Jerusalem; at ang isipan ko'y nagtaglay ng malaking karanasan sa karunungan at kaalaman." At ginamit ko ang aking isipan upang alamin ang karunungan, at alamin ang kaululan at kahangalan. Aking nakita na ito man ay pakikipaghabulan sa hangin. Sapagkat sa maraming karunungan ay maraming kalungkutan, at siyang nagpaparami ng kaalaman ay nagpaparami ng kalungkutan. Sinabi ko sa aking sarili, "Pumarito ka ngayon, susubukin ko ang kasayahan; magpakasarap ka." Ngunit ito rin ay walang kabuluhan. Aking sinabi tungkol sa halakhak, "Ito'y kalokohan" at sa kasayahan, "Anong halaga nito?" Siniyasat ng aking isipan kung paano pasasayahin ang aking katawan sa pamamagitan ng alak — pinapatnubayan pa ng karunungan ang aking isipan — at kung paano maging hangal, hanggang sa aking makita kung ano ang mabuting gawin ng mga tao sa silong ng langit sa iilang araw ng kanilang buhay. Gumawa ako ng mga dakilang gawa; nagtayo ako ng mga bahay at nagtanim ako para sa sarili ko ng mga ubasan. Gumawa ako para sa sarili ko ng mga halamanan at mga liwasan, at aking tinamnan ng mga sari-saring punungkahoy na nagbubunga. Gumawa ako para sa sarili ko ng mga tipunan ng tubig, upang diligin ang gubat na pagtatamnan ng mga lumalaking punongkahoy. Ako'y bumili ng mga aliping lalaki at babae, at nagkaroon ako ng mga aliping ipinanganak sa aking bahay. Nagkaroon din ako ng mga malaking ari-arian ng mga bakahan at mga kawan, higit kaysa lahat ng nauna sa akin sa Jerusalem. Nagtipon din ako para sa akin ng pilak at ginto, at ng kayamanan ng mga hari at ng mga lalawigan. Kumuha ako ng mga mang-aawit na lalaki at babae, at maraming asawa na kasiyahan ng laman. Kaya't naging dakila ako, at nahigitan ko ang lahat ng nauna sa akin sa Jerusalem; ang aking karunungan ay nanatili naman sa akin. At anumang ninasa ng aking mga mata ay hindi ko ipinagkait. Hindi ko pinigil ang aking puso sa anumang kasiyahan, sapagkat nagagalak ang aking puso dahil sa lahat kong gawain; at ito ang aking gantimpala para sa lahat ng aking pagpapagod. Nang magkagayo'y minasdan ko ang lahat na ginawa ng aking mga kamay, at ang pagpapagal na aking ginugol sa paggawa nito. At muli, lahat ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin, at walang mapapakinabang sa ilalim ng araw. Kaya't ako'y bumaling upang isaalang-alang ang karunungan, ang kaululan at ang kahangalan; sapagkat ano ang magagawa ng tao na sumusunod sa hari? Ang kanya lamang nagawa na. Nang magkagayo'y aking nakita, na ang karunungan ay nakakahigit sa kahangalan, na gaya ng liwanag na nakakahigit sa kadiliman. Ang mga mata ng pantas ay nasa kanyang ulo, ngunit ang hangal ay lumalakad sa kadiliman; gayunma'y aking nakita na isang kapalaran ang dumarating sa kanilang lahat. Nang magkagayo'y sinabi ko sa aking sarili, "Kung ano ang nangyari sa hangal ay mangyayari rin sa akin; kaya't bakit pa nga ako naging napakarunong?" At sinabi ko sa puso ko na ito man ay walang kabuluhan. Sapagkat kung paano sa pantas ay gayundin sa hangal, walang alaala magpakailanman; na sa mga araw na darating ay malilimutan nang lahat. At kung paanong ang pantas ay namamatay ay gayon ang mangmang! Sa gayo'y kinamuhian ko ang buhay, sapagkat ang ginawa sa ilalim ng araw ay mapanglaw sa akin, sapagkat lahat ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin. Kinamuhian ko ang lahat kong pagpapagal na aking ginawa sa ilalim ng araw; yamang marapat kong iwan sa tao na susunod sa akin. At sinong nakakaalam kung siya'y magiging isang pantas o isang hangal? Gayunman ay mamumuno siya sa lahat ng aking pinagpaguran, at sa aking ginamitan ng aking karunungan sa ilalim ng araw. Ito man ay walang kabuluhan. Kaya't ako'y bumalik at aking ibinigay ang aking puso sa kawalang pag-asa sa lahat ng gawa na aking ginawa sa ilalim ng araw. Sapagkat kung minsan ang taong gumawa na may karunungan, kaalaman, at kakayahan ay iiwanan ang lahat upang pakinabangan ng taong hindi nagpagod para dito. Ito man ay walang kabuluhan at malaking kasamaan. Sapagkat ano ang natatamo ng tao sa lahat ng kanyang ginagawa at pinagpaguran sa ilalim ng araw? Sapagkat lahat ng kanyang araw ay puno ng sakit at ang kanyang gawa ay pagdaramdam; at pati sa gabi ay hindi nagpapahinga ang kanyang isip. Ito man ay walang kabuluhan. Walang mabuti sa tao kundi ang kumain at uminom, at magpakaligaya sa kanyang pinagpaguran. Nakita ko na ito man ay mula sa kamay ng Diyos. Sapagkat sinong makakakain, o sinong makapagtataglay ng kagalakan na hiwalay sa kanya? Sapagkat ang tao na kinalulugdan ng Diyos ay binibigyan niya ng karunungan, kaalaman at kagalakan; ngunit sa makasalanan ay ibinibigay niya ang gawain ng pagtitipon at pagbubunton, upang maibigay sa kanya na kinalulugdan ng Diyos. Ito man ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin. Sa bawat bagay ay may kapanahunan, at panahon sa bawat bagay sa silong ng langit: panahon upang isilang, at panahon upang mamatay; panahon ng pagtatanim, at panahon upang bunutin ang itinanim; panahon ng pagpatay, at panahon ng pagpapagaling; panahon ng paggiba, at panahon ng pagtatayo; panahon ng pag-iyak, at panahon ng pagtawa; panahon ng pagtangis, at panahon ng pagsayaw; panahon ng paghahagis ng mga bato, at panahon ng pagtitipon ng mga bato; panahon ng pagyakap, at panahon na magpigil sa pagyakap; panahon ng paghahanap, at panahon ng pagkawala; panahon ng pagtatago, at panahon ng pagtatapon; panahon ng pagpunit, at panahon ng pananahi; panahon ng pagtahimik, at panahon ng pagsasalita; panahon upang magmahal, at panahon upang masuklam; panahon ng digmaan, at panahon ng kapayapaan. Anong pakinabang ang natatamo ng manggagawa sa kanyang pinagpapaguran? Aking nakita ang gawain na ibinigay ng Diyos sa mga anak ng mga tao upang pagkaabalahan. Ginawa niya ang bawat bagay na maganda sa kapanahunan niyon; inilagay rin niya ang walang hanggan sa isipan ng tao, gayunma'y hindi niya malalaman ang ginawa ng Diyos mula sa pasimula hanggang sa wakas. Nalalaman ko, na walang mas mabuti para sa kanila kundi ang magsaya, at masiyahan habang sila'y nabubuhay. At kaloob ng Diyos sa tao na ang bawat isa ay kumain, uminom, at masiyahan sa lahat ng kanyang pinagpaguran. Nalalaman ko na anumang ginagawa ng Diyos ay mananatili magpakailanman; walang bagay na maidadagdag doon, o anumang bagay na maaalis. Gayon ang ginawa ng Diyos upang ang tao ay matakot sa harapan niya. Ang nangyayari ay nangyari na; at ang mangyayari pa ay nangyari na; at hinahanap ng Diyos ang nakaraan na. At bukod dito'y aking nakita sa ilalim ng araw na sa dako ng katarungan ay mayroon ding kasamaan; at sa dako ng katuwiran ay mayroon ding kasamaan. Sinabi ko sa aking puso, Hahatulan ng Diyos ang matuwid at ang masama; sapagkat nagtakda siya ng panahon sa bawat bagay at sa bawat gawa. Sinabi ko sa aking puso tungkol sa mga tao, na sinusubok sila ng Diyos upang ipakita sa kanila na sila'y mga hayop lamang. Sapagkat ang kapalaran ng mga anak ng mga tao at ang kapalaran ng mga hayop ay magkatulad; kung paanong namamatay ang hayop, namamatay din ang tao. Silang lahat ay may isang hininga. Ang tao ay walang kalamangan sa mga hayop; sapagkat lahat ay walang kabuluhan. Lahat ay tumutungo sa isang dako; lahat ay buhat sa alabok, at lahat ay muling babalik sa alabok. Sinong nakakaalam kung ang espiritu ng tao ay umaakyat sa itaas at ang espiritu ng hayop ay bumababa sa lupa? Kaya't aking nakita, na walang bagay na mas mabuti, kundi ang tao ay magpakasaya sa kanyang mga gawa, sapagkat iyon ang kanyang kapalaran; sinong makapagpapakita sa kanya kung anong mangyayari pagkamatay niya? Muli kong nakita ang lahat ng pang-aapi na ginagawa sa ilalim ng araw. Masdan ninyo, ang mga luha ng mga inaapi at walang umaaliw sa kanila! Sa panig ng kanilang maniniil ay may kapangyarihan, at walang umaaliw sa kanila. Kaya't aking inisip na ang patay na namatay na, ay higit na mapalad kaysa mga buhay na nabubuhay pa; ngunit higit na mabuti kaysa kanila ang hindi pa ipinapanganak, na hindi pa nakakita ng masasamang gawa na nagawa sa ilalim ng araw. Nang magkagayo'y nakita ko na lahat ng pagpapagod, at lahat ng kakayahan sa paggawa ay nagmumula sa pagkainggit ng tao sa kanyang kapwa. Ito man ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin. Inihahalukipkip ng hangal ang kanyang mga kamay, at kinakain ang kanyang sariling laman. Mas mabuti pa ang isang dakot na katahimikan, kaysa dalawang dakot na puno ng pagpapagod at pakikipaghabulan lamang sa hangin. Muli kong nakita ang walang kabuluhan sa ilalim ng araw: isang taong nag-iisa, walang anak o kapatid man; gayunma'y walang wakas ang lahat niyang pagpapagod, at ang kanyang mga mata ay hindi nasisiyahan sa mga kayamanan. Kaya't hindi niya itinatanong, "Para kanino ako nagpapagod at pinagkakaitan ko ang aking sarili ng kasiyahan?" Ito man ay walang kabuluhan at malungkot na bagay. Ang dalawa ay mas mabuti kaysa isa; sapagkat sila'y may mabuting gantimpala sa kanilang pagpapagod. Sapagkat kung sila'y bumagsak, ibabangon ng isa ang kanyang kasama; ngunit kahabag-habag siya na nag-iisa kapag siya'y bumagsak; at walang iba na magbabangon sa kanya. Muli, kung ang dalawa ay mahigang magkasama, may init nga sila; ngunit paanong maiinitan ang nag-iisa? At bagaman ang isang tao ay maaaring magtagumpay laban sa iba, ang dalawa ay magtatagumpay laban sa isa. Ang panaling may tatlong pisi ay hindi agad napapatid. Mas mabuti ang dukha at pantas na kabataan kaysa matanda at hangal na hari, na hindi na tatanggap pa ng payo, bagaman mula sa bilangguan ay makapaghahari siya, o siya'y ipinanganak na dukha sa kanyang sariling kaharian. Aking nakita ang lahat ng may buhay na nagsisilakad sa ilalim ng araw, maging ang kabataang tatayo na kapalit niya; walang wakas sa lahat ng mga tao na kanyang pinapangunahan. Gayunman, silang darating pagkatapos ay hindi magagalak sa kanya. Tunay na ito man ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin. Ingatan mo ang iyong mga hakbang kapag ikaw ay nagtungo sa bahay ng Diyos. Ang lumapit upang makinig ay mas mabuti kaysa magbigay ng handog ng mga hangal, sapagkat hindi nila nalalaman na sila'y nagsisigawa ng kasamaan. Huwag kang pabigla-bigla sa iyong bibig, at huwag magmadali ang iyong puso na magsalita ng anumang bagay sa harapan ng Diyos; sapagkat ang Diyos ay nasa langit, at ikaw ay nasa lupa; kaya't kaunti lamang ang iyong maging salita. Sapagkat ang panaginip ay dumarating na kasama ng maraming pasanin, at ang tinig ng hangal na kasama ng maraming mga salita. Kapag ikaw ay gumawa ng panata sa Diyos, huwag kang magpaliban ng pagtupad; sapagkat siya'y walang kasiyahan sa mga hangal. Tuparin mo ang iyong ipinanata. Mas mabuti pa na hindi ka gumawa ng panata, kaysa ikaw ay gumawa ng panata at hindi tumupad. Huwag mong hayaan na akayin ka ng iyong bibig sa pagkakasala, at huwag mong sabihin sa harapan ng anghel na iyon ay isang kamalian. Bakit magagalit ang Diyos sa iyong tinig, at sisirain ang gawa ng iyong mga kamay? Sa maraming mga panaginip, sa maraming mga salita ay kawalang kabuluhan, ngunit matakot ka sa Diyos. Kung iyong nakita sa isang lalawigan na ang dukha ay inapi, at ang katarungan at katuwiran ay inalis, huwag kang magtaka sa pangyayari, sapagkat ang mataas na pinuno ay minamasdan ng mas mataas, at may lalong mataas pa kaysa kanila. Ngunit kapag isinasaalang-alang ang lahat ng bagay, ang hari ay pakinabang sa lupaing may binubungkal na lupa. Siyang umiibig sa salapi ay hindi masisiyahan sa salapi; o siya mang umiibig sa kayamanan na may pakinabang: ito man ay walang kabuluhan. Kapag ang mga ari-arian ay dumarami, dumarami silang kumakain ng mga iyon: at anong pakinabang mayroon ang may-ari niyon, kundi ang mamasdan iyon ng kanyang mga mata? Masarap ang tulog ng manggagawa; kumakain man siya nang kaunti o marami; ngunit ang pagpapakasawa ng mayaman ay hindi magpapatulog sa kanya. May malubhang kasamaan na aking nakita sa ilalim ng araw: ang mga yaman ay iniingatan ng may-ari niyon sa ikapapahamak niya, at ang mga yamang iyon ay nawawala sa isang masamang pakikipagsapalaran; at kahit na sila'y magulang ng mga anak, walang naiwan sa kanilang mga kamay. Kung paanong siya'y lumabas sa sinapupunan ng kanyang ina, gayon siya muling aalis, hubad siyang dumating, wala siyang anumang madadala mula sa kanyang pagpapagod, na kanyang madadala sa kanyang kamay. Ito man ay isang malubhang kasamaan: kung paano siya dumating ay gayon siya aalis; at anong pakinabang mayroon siya, na gumagawa siya para sa hangin, na lahat naman ng mga araw niya ay ginugol niya sa kadiliman at kalungkutan, sa maraming pagkainis, pagkakasakit, at pagsisisi? Ito ang aking nakita na mabuti: nararapat na kumain, uminom, at magalak sa lahat ng kanyang pinagpaguran na kanyang ginagawa sa ilalim ng araw sa lahat ng kakaunting araw ng kanyang buhay na ibinigay sa kanya ng Diyos, sapagkat ito ang kanyang kapalaran. Gayundin sa bawat tao na binigyan ng Diyos ng kayamanan at mga ari-arian, at binigyan ng kapangyarihan na masiyahan sa mga ito, at tanggapin ang kanyang kapalaran, at magalak sa kanyang pagpapagod — ito'y kaloob ng Diyos. Sapagkat hindi na niya gaanong maaalala ang mga araw ng kanyang buhay sapagkat ginagawa siyang abala ng Diyos sa kagalakan ng kanyang puso. May kasamaan akong nakita sa ilalim ng araw, at ito'y mabigat sa mga tao: isang tao na binibigyan ng Diyos ng kayamanan, mga ari-arian, at karangalan, na anupa't walang kulang sa lahat ng kanyang ninanasa. Gayunma'y hindi siya binibigyan ng Diyos ng kapangyarihan na tamasahin ang mga iyon, kundi dayuhan ang nagtatamasa sa mga iyon; ito'y walang kabuluhan at mabigat na kapighatian. Kung ang isang tao ay magkaanak ng isandaan, at mabuhay ng maraming taon, at ang mga araw ng kanyang mga taon ay dumami, ngunit hindi niya tinatamasa ang mabubuting bagay sa buhay, at hindi rin siya maililibing, aking masasabi na ang pagkapanganak na wala sa panahon ay mas mabuti pa kaysa kanya. Sapagkat iyon ay dumarating sa walang kabuluhan at papunta sa kadiliman, at ang pangalan niyon ay natatakpan ng kadiliman. Bukod dito, hindi nito nakita ang araw o nakilala man; gayunma'y nakatagpo ito ng kapahingahan na di gaya niya. Kahit na siya'y mabuhay ng isang libong taon na dalawang ulit na sinabi, ngunit hindi nagtamasa ng mabuti — hindi ba tutungo ang lahat sa iisang dako? Lahat ng pagpapagod ng tao ay para sa kanyang bibig, gayunma'y hindi nasisiyahan ang kanyang panlasa. Sapagkat anong kalamangan mayroon ang pantas sa hangal? At anong mayroon ang dukha na marunong kumilos sa harapan ng mga buhay? Mas mabuti pa ang nakikita ng mga mata kaysa pagala-galang pagnanasa, ito man ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin. Anumang nangyari ay matagal nang alam, at nalalaman na kung ano ang tao, na hindi niya kayang makipagtalo sa higit na malakas kaysa kanya. Mas maraming salita, mas maraming walang kabuluhan, kaya't paanong nakakahigit ang isa? Sapagkat sinong nakakaalam kung ano ang mabuti sa tao habang nabubuhay siya ng ilang araw sa kanyang walang kabuluhang buhay, na kanyang ginugol na gaya ng anino? Sapagkat sinong makapag-sasabi sa tao kung ano ang mangyayari pagkamatay niya sa ilalim ng araw? Ang mabuting pangalan ay mas mabuti kaysa mamahaling pamahid, at ang araw ng kamatayan kaysa araw ng kapanganakan. Mas mabuti pang magtungo sa bahay ng pagluluksa kaysa bahay ng pagdiriwang; sapagkat ito ang katapusan ng lahat ng mga tao; at ilalagak ito ng may buhay sa kanyang puso. Mas mabuti ang kalungkutan kaysa tawanan, sapagkat sa kalungkutan ng mukha ang puso ay sumasaya. Ang puso ng pantas ay nasa bahay ng pagluluksa; ngunit ang puso ng mga hangal ay nasa bahay ng kasayahan. Mas mabuti ang makinig sa saway ng pantas, kaysa makinig sa awit ng mga hangal. Sapagkat kung paano ang lagitik ng mga tinik sa ilalim ng palayok, gayon ang halakhak ng hangal; ito ma'y walang kabuluhan. Tiyak na ginagawang hangal ng pang-aapi ang pantas, at ang suhol ay sumisira ng isipan. Mas mabuti ang wakas ng isang bagay kaysa pasimula nito; ang matiising espiritu ay mas mabuti kaysa palalong espiritu. Huwag kang maging magagalitin, sapagkat ang galit ay naninirahan sa dibdib ng mga hangal. Huwag mong sabihin, "Bakit ang mga unang araw ay mas mabuti kaysa mga ito?" Sapagkat hindi mula sa karunungan na itinatanong mo ito. Mabuting gaya ng mana ang karunungan, isang kalamangan sa mga nakakakita ng araw. Sapagkat ang pag-iingat ng karunungan ay gaya ng pag-iingat ng salapi; at ang kalamangan ng kaalaman ay iniingatan ng karunungan ang buhay ng sa kanya'y may taglay. Isaalang-alang mo ang gawa ng Diyos; sinong makapagtutuwid sa ginawa niyang baluktot? Sa araw ng kasaganaan ay magalak ka, at sa araw ng kahirapan ay magsaalang-alang ka. Ginawa ng Diyos ang isa pati ang isa pa, upang hindi malaman ng tao ang anumang bagay na darating pagkamatay niya. Lahat ng ito ay nakita ko sa mga araw ng aking walang kabuluhang buhay; may matuwid na namamatay sa kanyang katuwiran, at may masama na pinahahaba ang kanyang buhay sa kanyang masamang gawa. Huwag kang lubhang magpakamatuwid; ni huwag kang lubhang magpakapantas; bakit sisirain mo ang iyong sarili? Huwag kang magpakasamang lubha, ni magpakahangal man; bakit ka mamamatay bago dumating ang iyong kapanahunan? Mabuti na panghawakan mo ito, at mula roon ay huwag mong iurong ang iyong kamay; sapagkat siyang natatakot sa Diyos ay magtatagumpay sa lahat ng iyon. Ang karunungan ay nagbibigay ng lakas sa pantas, na higit kaysa sampung pinuno na nasa lunsod. Tunay na walang matuwid sa lupa, na gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala. Huwag ka rin namang makinig sa lahat ng mga salita na sinasabi ng mga tao, baka marinig mong sinusumpa ka ng iyong alipin; sapagkat madalas ding nalalaman ng iyong sariling puso, na sinumpa mo rin ang iba. Lahat ng ito ay sinubukan ko sa karunungan; aking sinabi, "Ako'y magiging matalino"; ngunit iyon ay malayo sa akin. Yaong bagay na malayo at malalim, totoong malalim; sinong makakatagpo niyon? Ibinaling ko ang aking isip upang alamin, siyasatin at hanapin ang karunungan, at ang kabuuan ng mga bagay, at alamin ang kasamaan ng kahangalan at ang kahangalan na ito ay kaululan. At natuklasan kong mas mapait kaysa kamatayan ang babaing ang puso ay mga silo at mga bitag, na ang kanyang mga kamay ay mga panali. Ang nagbibigay lugod sa Diyos ay tatakas sa kanya; ngunit ang makasalanan ay nakukuha niya. Tingnan ninyo, ito'y aking natuklasan, sabi ng Mangangaral, na idinadagdag ang isang bagay sa iba, upang matagpuan ang kabuuan, na paulit-ulit na hinahanap ng aking isipan, ngunit hindi ko natagpuan. Isang tao mula sa isang libo ang aking natagpuan, ngunit ang isang babae sa lahat ng mga ito ay hindi ko natagpuan. Tingnan ninyo, ito lamang ang aking natagpuan, na ginawang matuwid ng Diyos ang tao; ngunit nagbalak sila ng maraming pamamaraan. Sino ang gaya ng pantas na lalaki? At sinong nakakaalam ng kahulugan ng isang bagay? Ang karunungan ng tao ay nagbibigay liwanag sa kanyang mukha, at ang katigasan ng kanyang mukha ay nababago. Ingatan mo ang utos ng hari, dahil sa iyong banal na sumpa. Magmadali kang umalis sa kanyang harapan; huwag kang magtagal kapag ang bagay ay hindi kasiya-siya, sapagkat kanyang ginagawa ang anumang kanyang maibigan. Sapagkat ang salita ng hari ay makapangyarihan; at sinong makapagsasabi sa kanya, "Anong ginagawa mo?" Ang sumusunod sa utos ay hindi mapapahamak, at malalaman ng isipan ng matalinong tao ang panahon at daan. Sapagkat bawat bagay ay may kapanahunan at paraan, bagaman ang kabalisahan ng tao ay mabigat sa kanya. Sapagkat hindi niya nalalaman ang mangyayari; sapagkat sinong makapagsasabi sa kanya, kung paanong mangyayari? Walang taong may kapangyarihang pumigil ng espiritu, ni kapangyarihan sa araw ng kamatayan. Walang paghinto sa pakikidigma, ni maililigtas ng kasamaan ang mga ibinigay roon. Lahat ng ito ay nakita ko, habang ginamit ko ang aking isipan sa lahat ng gawa na ginawa sa ilalim ng araw, samantalang ang tao ay may kapangyarihan sa tao sa kanyang ikapapahamak. Pagkatapos nakita ko ang masama na inilibing; noon ay labas-masok sila sa dakong banal, at pinuri sila sa lunsod na doon ay ginawa nila ang gayong mga bagay. Ito man ay walang kabuluhan. Sapagkat ang hatol laban sa masamang gawa ay hindi agad isinasagawa, kaya't ang puso ng mga tao ay lubos na nakatuon sa paggawa ng kasamaan. Bagaman ang makasalanan ay gumawa ng kasamaan na makaisandaang ulit at humahaba ang kanyang buhay, gayunma'y tunay na nalalaman ko, na magiging tiwasay para sa mga natatakot sa Diyos, na natatakot sila sa harapan niya; ngunit hindi ikabubuti ng masama, ni pahahabain man ang kanyang buhay na parang isang anino; sapagkat siya'y hindi natatakot sa harapan ng Diyos. Mayroong walang kabuluhan na nangyayari sa lupa, na may matutuwid na tao na sa kanila ay nangyayari ang ayon sa gawa ng masasama, at may masasamang tao na sa kanila ay nangyayari ang ayon sa gawa ng matuwid. Aking sinabi, na ito man ay walang kabuluhan. Nang magkagayo'y pinuri ko ang kasiyahan, sapagkat ang tao ay walang mabuting bagay sa ilalim ng araw, kundi ang kumain, uminom, at magsaya, sapagkat ito'y kasama niya sa kanyang pagpapagod sa mga araw ng kanyang buhay na ibinigay ng Diyos sa kanya sa ilalim ng araw. Nang gamitin ko ang aking isipan upang makaalam ng karunungan, at upang makakita ng gawain na ginagawa sa lupa, kung saan hindi nakakakita ng tulog ang kanyang mga mata sa araw man o sa gabi; ay nakita ko nga ang lahat ng gawa ng Diyos, na hindi matutuklasan ng tao ang gawa na ginawa sa ilalim ng araw. Ngunit gaano man magsikap ang isang tao sa paghahanap, hindi rin niya ito matatagpuan, kahit na sabihin ng pantas na alam niya, hindi rin niya ito matatagpuan. Ngunit ang lahat ng ito ay inilagak ko sa aking puso, na sinisiyasat ang lahat ng ito; kung paanong ang matuwid, ang pantas, at ang kanilang mga gawa ay nasa kamay ng Diyos; kung ito man ay pag-ibig o poot ay hindi nalalaman ng tao. Lahat ng nasa harapan nila ay walang kabuluhan, yamang isang kapalaran ang dumarating sa lahat, sa matuwid at sa masama; sa mabuti at sa masama, sa malinis at sa marumi, sa kanya na naghahandog at sa kanya na hindi naghahandog. Kung paano ang mabuti, gayon ang makasalanan; at ang sumusumpa ay gaya ng umiiwas sa sumpa. Ito'y isang kasamaan sa lahat na ginawa sa ilalim ng araw, na isang kapalaran ang dumarating sa lahat. Gayundin, ang puso ng mga tao ay puno ng kasamaan, at ang kaululan ay nasa kanilang puso habang sila'y nabubuhay, at pagkatapos niyon ay nagtutungo sila sa kamatayan. Subalit siya, na kasama ng lahat na nabubuhay ay may pag-asa, sapagkat ang buhay na aso ay mas mabuti kaysa patay na leon. Sapagkat nalalaman ng mga buhay na sila'y mamamatay, ngunit hindi nalalaman ng patay ang anumang bagay, at wala na silang gantimpala; sapagkat ang alaala nila ay nakalimutan na. Ang kanilang pag-ibig, pagkapoot, at ang pagkainggit ay nawala na, wala na silang anumang bahagi pa magpakailanman sa anumang bagay na nagawa sa ilalim ng araw. Humayo ka, kumain ka ng iyong tinapay na may kagalakan, at inumin mo ang iyong alak na may masayang puso; sapagkat sinang-ayunan na ng Diyos ang iyong ginagawa. Maging laging maputi ang iyong mga suot; at huwag magkulang ng langis ang iyong ulo. Magpakasaya ka sa buhay sa piling ng iyong asawang babaing minamahal sa lahat ng mga araw ng buhay mong walang kabuluhan, na kanyang ibinigay sa iyo sa ilalim ng araw, sapagkat iyan ang iyong bahagi sa buhay, at sa iyong gawa na iyong ginagawa sa ilalim ng araw. Anumang masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong kalakasan; sapagkat walang gawa, kaisipan, kaalaman, ni karunungan man sa Sheol, na iyong patutunguhan. Muli kong nakita sa ilalim ng araw na ang takbuhan ay hindi para sa matutulin, ni ang paglalaban man ay sa malalakas, ni sa mga pantas man ang tinapay, ni ang kayamanan man ay sa mga matatalino, ni ang kaloob man ay sa taong may kakayahan, kundi ang panahon at pagkakataon ay nangyayari sa kanilang lahat. Sapagkat hindi nalalaman ng tao ang kanyang kapanahunan. Kagaya ng mga isda na nahuhuli sa malupit na lambat, at kagaya ng mga ibon na nahuhuli sa bitag, gayon ang mga tao ay nasisilo sa masamang kapanahunan, kapag biglang nahulog sa kanila. Nakita ko rin ang ganitong halimbawa ng karunungan sa ilalim ng araw, at ito'y naging tila dakila sa akin. Mayroong isang maliit na lunsod, at iilan ang tao sa loob niyon. May dumating na dakilang hari laban doon at kinubkob iyon at nagtayo ng mga malaking tanggulan laban doon. Ngunit natagpuan roon ang isang dukhang lalaking pantas, at iniligtas niya ng kanyang karunungan ang lunsod. Gayunma'y walang nakakaalala sa dukhang lalaking iyon. Ngunit sinasabi ko na ang karunungan ay mas mabuti kaysa kalakasan, bagaman ang karunungan ng taong dukha ay hinamak, at ang kanyang mga salita ay hindi pinakinggan. Ang mga salita ng pantas na narinig sa katahimikan ay higit na mabuti kaysa sigaw ng pinuno sa gitna ng mga hangal. Ang karunungan ay mas mabuti kaysa mga sandata ng digmaan, ngunit sumisira ng maraming kabutihan ang isang makasalanan. Ang mga patay na langaw ay nagpapabaho sa pamahid ng manggagawa ng pabango; gayon ang munting kahangalan ay sumisira ng karunungan at karangalan. Ang puso ng taong matalino ay humihila sa kanya tungo sa kanan, ngunit ang puso ng hangal ay tungo sa kaliwa. Maging kapag ang hangal ay lumalakad sa daan, sa katinuan siya ay kulang, at kanyang sinasabi sa bawat isa, na siya'y isang hangal. Kung ang galit ng pinuno ay bumangon laban sa iyo, huwag kang umalis sa iyong kinalalagyan, sapagkat ang pagiging mahinahon ay makapagtutuwid sa malalaking kamalian. May isang kasamaan na nakita ko sa ilalim ng araw na tila kamalian na nanggagaling sa pinuno: ang kahangalan ay nakaupo sa maraming matataas na lugar, at ang mayaman ay umuupo sa mababang dako. Nakakita ako ng mga alipin na nakasakay sa mga kabayo, at ng mga pinuno na lumalakad sa lupa na gaya ng mga alipin. Siyang humuhukay ng balon ay mahuhulog doon; at ang lumulusot sa pader ay kakagatin ng ulupong. Ang tumatabas ng mga bato ay masasaktan niyon; at ang nagsisibak ng kahoy ay nanganganib doon. Kung ang bakal ay pumurol, at hindi ihasa ninuman ang talim, dapat nga siyang gumamit ng higit na lakas; ngunit ang karunungan ay tumutulong upang ang isang tao'y magtagumpay. Kung ang ahas ay kumagat bago mapaamo, wala ngang kapakinabangan sa nagpapaamo. Ang mga salita ng bibig ng matalino ay magbibigay sa kanya ng pakinabang; ngunit ang mga labi ng hangal ang uubos sa sarili niya. Ang pasimula ng mga salita ng kanyang bibig ay kahangalan, at ang wakas ng kanyang salita ay makamandag na kaululan. Sa mga salita, ang hangal ay nagpaparami, bagaman walang taong nakakaalam kung ano ang mangyayari; at pagkamatay niya ay sinong makapagsasabi sa kanya ng mangyayari? Ang gawa ng hangal ay nagpapahirap sa kanya, kaya't hindi niya nalalaman ang daan patungo sa lunsod. Kahabag-habag ka, O lupain, kapag ang iyong hari ay isang bata, at ang iyong mga pinuno ay nagpipista sa umaga! Mapalad ka, O lupain, kung ang iyong hari ay anak ng mga malalayang tao, at ang iyong mga pinuno ay nagpipista sa kaukulang panahon para sa ikalalakas, at hindi sa paglalasing! Sa katamaran ay bumabagsak ang bubungan; at sa di pagkilos ay tumutulo ang bahay. Ang tinapay ay ginagawa sa paghalakhak, at ang alak ay nagpapasaya sa buhay: at ang salapi ay sumasagot sa lahat ng mga bagay. Huwag mong sumpain ang hari, kahit sa iyong isipan; at huwag mong sumpain ang mayaman kahit sa iyong silid tulugan; sapagkat isang ibon sa himpapawid ang magdadala ng iyong tinig, at ilang nilalang na may pakpak ang magsasabi ng bagay. Ihasik mo ang iyong tinapay sa tubigan, sapagkat ito'y iyong matatagpuan pagkaraan ng maraming araw. Magbigay ka ng bahagi sa pito, o maging sa walo; sapagkat hindi mo nalalaman kung anong kasamaan ang mangyayari sa mundo. Kung puno ng ulan ang mga ulap, ang mga ito sa lupa ay bumabagsak, at kung ang punungkahoy ay mabuwal sa dakong timog, o sa hilaga, sa dakong binagsakan ng puno, ay doon ito mahihiga. Hindi maghahasik ang nagmamasid sa hangin, at hindi mag-aani ang sa ulap ay pumapansin. Kung paanong hindi mo nalalaman kung paanong dumarating ang espiritu sa mga buto sa bahay-bata ng babaing nagdadalang-tao, gayon mo hindi nalalaman ang gawa ng Diyos na lumalang sa lahat. Ihasik mo sa umaga ang iyong binhi, at huwag mong hayaang walang ginagawa ang iyong kamay sa hapon; sapagkat hindi mo nalalaman kung alin ang tutubo, kung ito o iyon, o kung kapwa magiging mabuti. Ang liwanag ay mainam, at maganda sa mga mata na masdan ang araw. Sapagkat kung ang tao ay mabuhay ng maraming taon, magalak siya sa lahat ng iyon; ngunit alalahanin niya na ang mga araw ng kadiliman ay magiging marami. Lahat ng dumarating ay walang kabuluhan. Ikaw ay magalak, O binata, sa iyong kabataan, at pasayahin ka ng iyong puso sa mga araw ng iyong kabataan; lumakad ka sa mga lakad ng iyong puso, at sa paningin ng iyong mga mata. Ngunit alamin mo na dahil sa lahat ng mga bagay na ito ay dadalhin ka ng Diyos sa paghuhukom. Ilayo mo ang kabalisahan sa iyong isipan, at alisin mo ang kirot sa iyong katawan: sapagkat ang kabataan at ang bukang-liwayway ng buhay ay walang kabuluhan. Alalahanin mo rin naman ang Lumikha sa iyo sa mga araw ng iyong kabataan, bago dumating ang masasamang araw, at ang mga taon ay lumapit, na iyong sasabihin, "Wala akong kasiyahan sa mga iyon"; bago ang araw, liwanag, buwan, at ang mga bituin ay magdilim, at ang mga ulap ay magsibalik pagkatapos ng ulan. Sa araw na ang mga tagapag-ingat ng bahay ay manginig, at ang malalakas na lalaki ay mapayukod, at ang mga manggigiling ay tumigil sapagkat sila'y kakaunti, at ang mga dumudungaw sa mga bintana ay madidiliman, at ang mga pintuan sa mga lansangan ay sasarhan, kapag ang tunog ng panggiling ay mahina, at ang isang tao'y babangon sa huni ng ibon, at lahat ng mga anak na babae ng awitin ay mapababa; sila man ay matatakot sa mataas, at ang mga kakilakilabot ay nasa daan; at ang puno ng almendro ay mamulaklak; at ang balang ay maging pasan, at ang pagnanais ay mabigo, sapagkat ang tao ay nagtutungo sa kanyang walang hanggang tahanan, at ang mga nagluluksa ay gumagala sa mga lansangan; bago ang panaling pilak ay mapatid, o ang mangkok na ginto ay mabasag, o ang banga ay mabasag sa bukal, o ang gulong ay masira sa balon; at ang alabok ay bumalik sa lupa na gaya nang una, at ang espiritu ay bumalik sa Diyos na nagbigay nito. Walang kabuluhan ng mga walang kabuluhan, sabi ng Mangangaral; lahat ay walang kabuluhan. Bukod sa pagiging marunong, tinuruan din ng Mangangaral ang mga tao ng kaalaman; na maingat na tinitimbang, pinag-aaralan at isinasaayos ang maraming kawikaan. Humanap ang Mangangaral ng mga nakakalugod na salita, at matuwid niyang isinulat ang mga salita ng katotohanan. Ang mga salita ng pantas ay gaya ng mga pantaboy; at gaya ng mga pako na nakakapit na mabuti ang mga tinipong kasabihan na ibinigay ng isang Pastol. Anak ko, mag-ingat ka sa anumang bagay na higit dito. Ang paggawa ng maraming aklat ay walang wakas; at ang sobrang pag-aaral ay kapaguran ng laman. Ito ang wakas ng bagay; lahat ay narinig. Matakot ka sa Diyos, at sundin mo ang kanyang mga utos; sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao. Sapagkat dadalhin ng Diyos ang bawat gawa sa paghuhukom, pati ang bawat lihim na bagay, maging ito'y mabuti o masama. Ang awit ng mga awit na kay Solomon. Hagkan niya sana ako ng mga halik ng kanyang bibig! Sapagkat mas mabuti kaysa alak ang iyong pag-ibig, ang iyong mga langis na pambuhos ay mabango; langis na ibinuhos ang pangalan mo; kaya't ang mga dalaga'y umiibig sa iyo. Palapitin mo ako sa iyo, magmadali tayo. Dinala ako ng hari sa mga silid niya. Kami ay matutuwa at sa iyo'y magsasaya. Aming itataas ng higit kaysa alak ang pag-ibig mo, matuwid ang pag-ibig nila sa iyo. Ako'y maitim, ngunit kahali-halina, O kayong mga anak na babae ng Jerusalem, gaya ng mga tolda sa Kedar, gaya ng mga tabing ni Solomon. Huwag ninyo akong masdan dahil sa ako'y maitim, sapagkat sinunog ako ng araw. Ang mga anak ng aking ina ay galit sa akin, ginawa nila akong tagapangalaga ng mga ubasan; ngunit ang sarili kong ubasan ay hindi ko nabantayan. Sabihin mo sa akin, ikaw na minamahal ng aking kaluluwa, saan ka nagpapastol ng iyong kawan, saan mo pinahihiga sa katanghalian; sapagkat bakit ako'y magiging gaya ng nalalambungan, sa tabi ng mga kawan ng iyong mga kasamahan? Kung hindi mo nalalaman, O ikaw na pinakamaganda sa mga babae, sumunod ka sa mga landas ng kawan, at ipastol mo ang mga anak ng kambing sa tabi ng mga tolda ng mga pastol. Aking itinutulad ka, O aking sinta, sa isang kabayo sa mga karwahe ni Faraon. Pinagaganda ng mga pahiyas ang iyong mga pisngi, ang iyong leeg ng mga kuwintas na palamuti. Igagawa ka namin ng mga gintong kuwintas, na may mga pilak na pahiyas. Samantalang ang hari ay nasa kanyang hapag, ang aking nardo ay nagsasabog ng kanyang kabanguhan. Ang aking mahal ay gaya ng supot ng mira para sa akin, na humihilig sa pagitan ng aking dibdib. Ang aking sinta para sa akin ay kumpol na bulaklak ng hena sa mga ubasan ng En-gedi. O napakaganda mo, aking sinta, totong, ikaw ay maganda; mga kalapati ang iyong mga mata. O napakaganda mo, aking sinta, kaakit-akit na tunay, ang ating higaan ay luntian. Ang mga biga ng ating bahay ay mga sedro, ang kanyang mga bubong ay mga sipres. Ako'y rosas ng Sharon, isang liryo ng mga libis. Kung ano ang liryo sa gitna ng mga tinikan, gayon ang aking pag-ibig sa gitna ng mga kadalagahan. Kung ano ang puno ng mansanas sa gitna ng mga punungkahoy sa kagubatan, gayon ang aking sinta sa gitna ng mga kabinataan. Ako'y naupo sa ilalim ng kanyang anino na may malaking pagsasaya, at ang kanyang bunga ay matamis sa aking panlasa. Dinala niya ako sa bahay na may handaan, at ang watawat niya sa akin ay pagmamahal. Bigyan ninyo ako ng mga pasas, aliwin ninyo ako ng mga mansanas; sapagkat ako'y may sakit na pagsinta. Ang kanyang kaliwang kamay sana ay nasa ilalim ng aking ulo, at ang kanyang kanang kamay ay niyayakap ako! O mga anak na babae ng Jerusalem, kayo'y aking pinagbibilinan, alang-alang sa mga usang lalaki at babae sa kaparangan, na huwag ninyong pukawin, o gisingin man ang pagmamahal, hanggang sa kanyang maibigan. Ang tinig ng aking giliw! Narito, siya'y dumarating, palukso-lukso sa mga bundok, palundag-lundag sa mga burol. Ang aking sinta ay gaya ng usa o ng batang usa. Tingnan mo, siya'y nakatayo sa likod ng aming bakod, sa mga bintana'y sumisilip, sa mga durungawa'y nagmamasid. Ang aking sinta ay nagsalita, at nagsabi sa akin, "Bumangon ka, maganda kong sinta, at tayo'y umalis; Sapagkat, ang taglamig ay lumipas na; ang ulan ay tapos na at wala na. Ang mga bulaklak ay namumukadkad sa lupa; ang panahon ng pag-aawitan ay dumating, at ang tinig ng batu-bato ay naririnig sa ating lupain. Lumalabas na ang mga bunga ng puno ng igos, at ang mga puno ng ubas ay namumulaklak, ang kanilang bango'y humahalimuyak. Bumangon ka, maganda kong sinta, at tayo'y umalis. O kalapati ko, na nasa mga bitak ng bato, sa puwang ng bangin, ipakita mo sa akin ang iyong mukha, iparinig mo sa akin ang iyong tinig; sapagkat matamis ang iyong tinig, at ang iyong mukha ay kaibig-ibig. Ihuli ninyo kami ng mga asong-gubat, ng mga munting asong-gubat, na sumisira ng mga ubasan, sapagkat ang aming mga ubasan ay namumulaklak na." Ang sinta ko ay akin, at kanya ako; ipinapastol niya ang kanyang kawan sa gitna ng mga liryo. Hanggang sa ang araw ay huminga, at ang mga anino'y tumakas, pumihit ka, sinta ko, at ikaw ay maging gaya ng usa o ng batang usa sa mga bundok ng Bether. Sa ibabaw ng aking higaan sa gabi, hinanap ko siyang iniibig ng aking kaluluwa; hinanap ko siya, ngunit hindi ko siya natagpuan. "Ako'y babangon at lilibot sa lunsod, sa mga lansangan at sa mga liwasan, hahanapin ko siya na iniibig ng aking kaluluwa." Hinanap ko siya, ngunit hindi ko siya natagpuan. Nakita ako ng mga tanod, habang sila'y naglilibot sa lunsod. "Nakita ba ninyo siya na sinisinta ng aking kaluluwa?" Halos di pa ako nakakalayo sa kanila, nang masumpungan ko siya na iniibig ng aking kaluluwa. Pinigilan ko siya, at hindi ko hinayaang umalis, hanggang sa siya'y aking nadala sa bahay ng aking ina, at sa silid niya na naglihi sa akin. O mga anak na babae ng Jerusalem, kayo'y aking pinagbibilinan, alang-alang sa mga usang lalaki at babae sa kaparangan, na huwag ninyong pukawin o gisingin man ang pagmamahal, hanggang sa kanyang maibigan. Ano itong umaahon mula sa ilang, na gaya ng haliging usok, na napapabanguhan ng mira at ng kamanyang, ng lahat ng mabangong pulbos ng mangangalakal? Tingnan ninyo, iyon ang higaan ni Solomon! Animnapung magigiting na lalaki ang nasa palibot niyon, sa magigiting na lalaki ng Israel. Silang lahat ay may sakbat na tabak, at sanay sa pakikidigma: bawat isa'y may tabak sa kanyang hita, sa mga hudyat sa gabi ay laging handa. Si Haring Solomon ay gumawa para sa sarili ng higaang binubuhat mula sa kahoy ng Lebanon. Ginawa niyang pilak ang mga haligi niyon, ang likod niyon ay ginto, at ang upuan ay kulay ube; ang loob niyon ay hinabi ng may pag-ibig ng mga anak na babae ng Jerusalem. Humayo kayo, O mga anak na babae ng Zion, at inyong masdan si Haring Solomon, na may korona na ipinutong sa kanya ng kanyang ina, sa araw ng kanyang kasal, sa araw ng katuwaan ng kanyang puso. O napakaganda mo, mahal ko; talagang ikaw ay maganda; Ang iyong mga mata ay mga kalapati sa likod ng iyong talukbong. Ang iyong buhok ay gaya ng kawan ng mga kambing, na bumababa sa gulod ng bundok ng Gilead. Ang iyong mga ngipin ay gaya ng mga kawan ng mga batang tupa na bagong gupit, na nagsiahon mula sa paglilinis, na bawat isa'y may anak na kambal, at walang nagluluksa isa man sa kanila. Ang iyong mga labi ay gaya ng pising mapula, at ang iyong bibig ay kahali-halina. Ang iyong mga pisngi ay gaya ng kalahati ng granada, sa likod ng iyong talukbong. Ang iyong leeg ay gaya ng tore ni David, na itinayo upang pagtaguan ng mga sandata, na kinabibitinan ng libong kalasag, na ang lahat ay mga kalasag ng mga mandirigma. Ang iyong dalawang suso ay gaya ng dalawang batang usa na mga kambal ng isang inahing usa, na nanginginain sa gitna ng mga liryo. Hanggang sa ang araw ay huminga at ang mga anino ay tumakas, ako'y paroroon sa bundok ng mira, at sa burol ng kamanyang. Ikaw ay totoong maganda, sinta ko; walang kapintasan sa iyo. Sumama ka sa akin mula sa Lebanon, kasintahan ko. Sumama ka sa akin mula sa Lebanon. Tumanaw ka mula sa taluktok ng Amana, mula sa taluktok ng Senir at ng Hermon, mula sa mga yungib ng mga leon, mula sa mga bundok ng mga leopardo. Inagaw mo ang aking puso, kapatid ko, kasintahan ko, inagaw mo ang aking puso ng isang sulyap ng mga mata mo, ng isang hiyas ng kuwintas mo. Napakatamis ng iyong pag-ibig, kapatid ko, kasintahan ko! Higit na mainam ang iyong pagsinta kaysa alak! At ang amoy ng iyong mga langis kaysa anumang pabango! Ang iyong mga labi, O kasintahan ko, ay nagbibigay ng katas, pulot at gatas ay nasa ilalim ng iyong dila; at ang bango ng iyong mga suot ay gaya ng amoy ng Lebanon. Halamanang nababakuran ang kapatid ko, ang kasintahan ko; halamanang nababakuran, isang bukal na natatakpan. Ang iyong mga pananim ay halamanan ng mga granada, na may piling-piling mga bunga; hena na may nardo, may nardo at safro, kalamo at kanela, sampu ng lahat na puno ng kamanyang; mira at mga aloe, sampu ng lahat ng pabangong pinakamainam — isang bukal ng mga halamanan, balon ng mga tubig na buhay, at dumadaloy na batis mula sa Lebanon. Gumising ka, O hanging amihan, at pumarito ka, O hanging habagat! Humihip ka sa aking halamanan, upang ang bango niya'y humalimuyak. Pumasok ang aking sinta sa halamanan niya, at kumaih siya ng mga piling-piling bunga. Ako'y dumating sa aking halamanan, kapatid ko, kasintahan ko, aking tinipon ang aking mira pati ang aking pabango, kinain ko ang aking pulot-pukyutan pati ang aking pulot; ininom ko ang aking alak pati ang aking gatas. Magsikain kayo, O mga kaibigan; at magsiinom: magsiinom kayo nang sagana, mga mangingibig! Ako'y nakatulog, ngunit ang aking puso ay gising. Makinig! ang aking sinta ay tumutuktok. "Pagbuksan mo ako, kapatid ko, sinta ko, kalapati ko, ang aking walang kapintasan, sapagkat ang aking ulo ay basa ng hamog, ang bungkos ng aking buhok ng mga patak ng gabi." Hinubad ko na ang aking kasuotan, paano ko ito isusuot? Hinugasan ko ang aking mga paa paano ko sila parurumihin? Isinuot ng aking sinta ang kanyang kamay sa butas ng pintuan, at ang aking puso ay nanabik sa kanya. Ako'y bumangon upang pagbuksan ang aking sinta; at sa aking mga kamay ay tumulo ang mira, at sa aking mga daliri ang lusaw na mira, sa mga hawakan ng trangka. Pinagbuksan ko ang aking sinta, ngunit ang aking sinta ay tumalikod at umalis na. Pinanghina na ako ng aking kaluluwa nang siya'y magsalita. Aking hinanap siya, ngunit hindi ko siya natagpuan; tinawag ko siya, ngunit hindi siya sumagot. Natagpuan ako ng mga tanod, habang sila'y naglilibot sa lunsod, binugbog nila ako, ako'y kanilang sinugatan, inagaw nila ang aking balabal, ng mga bantay na iyon sa pader. Pinagbibilinan ko kayo, O mga anak na babae ng Jerusalem, kung inyong matagpuan ang aking sinta, inyong saysayin sa kanya, na ako'y may sakit na pagsinta. Ano ang iyong mahal na higit kaysa ibang mahal, O ikaw na pinakamaganda sa mga babae? Ano ang iyong mahal na higit kaysa ibang mahal, na gayon ang iyong bilin sa amin? Ang aking minamahal ay maningning at mamula-mula, na namumukod-tangi sa sampung libo. Ang kanyang ulo ay pinakamainam na ginto; ang bungkos ng kanyang buhok ay maalon-alon at kasing-itim ng uwak. Ang kanyang mga mata ay tulad ng mga kalapati sa tabi ng mga bukal ng tubig; na hinugasan ng gatas at tamang-tama ang pagkalagay. Ang kanyang mga pisngi ay gaya ng pitak ng mga pabango, na nagsasabog ng halimuyak. Ang kanyang mga labi ay mga liryo, na nagbibigay ng lusaw na mira. Ang kanyang mga kamay ay mga singsing na ginto, na nilagyan ng mga hiyas. Ang kanyang katawan ay gaya ng yaring garing na binalot ng mga zafiro. Ang kanyang hita ay mga haliging alabastro, na inilagay sa mga patungang ginto. Ang kanyang anyo ay gaya ng Lebanon na marilag na gaya ng mga sedro. Ang kanyang pananalita ay pinakamatamis; at siya’y totoong kanais-nais. Ito'y aking sinta at ito'y aking kaibigan, O mga anak na babae ng Jerusalem. Saan pumaroon ang iyong minamahal, O ikaw na pinakamaganda sa mga babae? Saan nagtungo ang iyong minamahal, upang siya'y aming hanapin na kasama mo? Ang sinisinta ko'y bumaba sa kanyang halamanan, sa mga pitak ng mga pabango, upang ipastol ang kanyang kawan sa mga halamanan, at upang mamitas ng mga liryo. Ako'y sa aking mahal, at ang mahal ko ay akin; ipinapastol niya ang kanyang kawan sa gitna ng mga liryo. Ikaw ay kasingganda ng Tirza, aking mahal, kahali-halina na gaya ng Jerusalem, kakilakilabot na gaya ng hukbo na may mga watawat. Alisin mo ang iyong mga mata sa akin, sapagkat ginugulo ako ng mga ito — ang iyong buhok ay gaya ng kawan ng mga kambing, na bumababa sa mga gulod ng Gilead. Ang iyong mga ngipin ay gaya ng kawan ng mga babaing tupa, na nagsiahon mula sa paglilinis, lahat sila'y may anak na kambal, isa man sa kanila ay hindi naulila. Ang iyong mga pisngi ay gaya ng kalahati ng granada sa likod ng iyong belo. May animnapung reyna, at walumpung asawang-lingkod, at mga dalaga na di-mabilang. Ang aking kalapati, ang aking walang kapintasan ay isa lamang; ang kinagigiliwan ng kanyang ina; walang kapintasan sa kanya na nagsilang sa kanya. Nakita siya ng mga dalaga, at tinawag siyang maligaya; gayundin ng mga reyna at ng mga asawang-lingkod, at kanilang pinuri siya. "Sino itong tumitingin na tulad ng bukang liwayway, kasingganda ng buwan, kasinliwanag ng araw, kakilakilabot na parang hukbo na may mga watawat?" Ako'y bumaba sa taniman ng mga pili, upang tingnan ang mga sariwang pananim ng libis, upang tingnan kung may mga buko na ang puno ng ubas, at kung ang mga puno ng granada ay namumulaklak. Bago ko namalayan, inilagay ako ng aking kaluluwa sa karwahe sa tabi ng aking prinsipe. Bumalik ka, bumalik ka, O Shulamita. Bumalik ka, bumalik ka, upang ikaw ay aming pagmasdan. Bakit ninyo pagmamasdan ang Shulamita, na gaya sa sayaw sa harap ng dalawang hukbo? Napakaganda ng iyong mga paa sa mga sandalyas O mala-reynang babae! Ang mga bilugan mong hita ay gaya ng mga hiyas, na gawa ng bihasang kamay. Ang iyong pusod ay gaya ng bilog na mangkok, na hindi nawawalan ng alak na may halo. Ang iyong tiyan ay bunton ng trigo, na napapaligiran ng mga liryo. Ang iyong dalawang suso ay gaya ng dalawang batang usa, na mga kambal ng inahing usa. Ang iyong leeg ay gaya ng toreng garing. Ang iyong mga mata ay gaya ng mga tipunan ng tubig sa Hesbon, sa tabi ng pintuang-bayan ng Batrabbim. Ang iyong ilong ay gaya ng tore ng Lebanon na nakatanaw sa Damasco. Pinuputungan ka ng iyong ulo gaya ng Carmel, at ang umaalon mong buhok ay gaya ng kulay ube; ang hari ay nabibihag sa mga tirintas niyon. Napakaganda at kaaya-aya ka! O minamahal, kaakit-akit na dalaga! Ikaw ay magilas na parang puno ng palma, at ang iyong mga suso ay tulad ng mga kumpol nito. Sinasabi kong ako'y aakyat sa puno ng palma, at hahawak sa mga sanga niyon. Ang iyong mga suso sana ay maging gaya ng mga buwig ng puno ng ubas, at ang bango ng iyong hininga ay gaya ng mga mansanas, at ang iyong mga halik ay gaya ng pinakamainam na alak, na tumutulo nang marahan, na dumudulas sa mga labi at ngipin. Ako'y sa aking minamahal, at ang kanyang pagnanasa ay para sa akin. Halika, sinta ko, pumunta tayo sa mga bukid, manirahan tayo sa mga nayon; magtungo tayo nang maaga sa mga ubasan, at tingnan natin kung may buko na ang puno ng ubas, kung ang kanyang mga bulaklak ay bumuka na, at kung ang mga granada ay namumulaklak. Doo'y ibibigay ko sa iyo ang aking pag-ibig. Ang mga mandragora ay nagsasabog ng bango, at nasa ating mga pintuan ang lahat ng piling bunga, mga luma at bago, na aking inilaan para sa iyo, O sinta ko. O ikaw sana'y naging tulad sa aking kapatid, na pinasuso sa dibdib ng aking ina! Kapag nakasalubong kita sa labas, hahagkan kita; at walang hahamak sa akin. Aking aakayin ka at dadalhin kita sa bahay ng aking ina, at sa silid niya na naglihi sa akin. Aking paiinumin ka ng hinaluang alak, ng katas ng aking granada. Ang kanyang kaliwang kamay sana ay nasa ilalim ng aking ulo, at ang kanyang kanang kamay ay nakayakap sa akin! Pinagbibilinan ko kayo, O mga anak na babae ng Jerusalem, na huwag ninyong pukawin o gisingin man ang pagmamahal, hanggang sa kanyang maibigan. Sino itong umaahon mula sa ilang, na nakahilig sa kanyang minamahal? Sa ilalim ng punong mansanas ay ginising kita. Doon ay naghirap sa panganganak ang iyong ina, siya na nagsilang sa iyo ay naghirap doon sa panganganak. Ilagay mo akong pinakatatak sa iyong puso, pinakatatak sa iyong bisig; sapagkat ang pag-ibig ay kasinlakas tulad ng kamatayan, ang panibugho ay kasimbagsik na tulad ng libingan. Ang mga liyab niyon ay parang mga liyab ng apoy, isang apoy na lumalagablab. Hindi kayang patayin ng maraming tubig ang pag-ibig, ni malulunod man ito ng mga baha. Kung ihandog ng isang lalaki dahil sa pag-ibig ang lahat ng kayamanan sa kanyang bahay, iyon ay kukutyaing lubusan. Kami'y may isang munting kapatid na babae, at siya'y walang mga suso. Ano ang aming gagawin sa aming kapatid na babae, sa araw na siya'y ligawan? Kung siya'y isang pader, ipagtatayo namin siya ng muog na pilak, ngunit kung siya'y isang pintuan, tatakpan namin siya ng mga tablang sedro. Ako'y isang pader, at ang aking mga suso ay parang mga tore, ako nga'y naging sa kanyang mga mata ay tulad ng nagdadala ng kapayapaan. Si Solomon ay may ubasan sa Baal-hamon; kanyang pinaupahan ang ubasan sa mga tagapamahala; bawat isa'y dapat magdala ng isang libong pirasong pilak para sa bunga. Ang aking ubasan, na sadyang akin, ay para sa aking sarili, ikaw, O Solomon, ay magkaroon nawa ng libo, at ang nag-iingat ng bunga niyon ay dalawandaan. Ikaw na tumatahan sa mga halamanan, ang mga kasama ko ay nakikinig sa iyong tinig. Iparinig mo sa akin. Ikaw ay magmadali, sinta ko, at ikaw ay maging parang usa o batang usa sa mga bundok ng mga pabango. Ang pangitain ni Isaias na anak ni Amoz, na kanyang nakita tungkol sa Juda at Jerusalem, sa mga araw nina Uzias, Jotam, Ahaz, at Hezekias, mga hari ng Juda. Dinggin mo, O langit, at pakinggan mo, O lupa, sapagkat nagsalita ang PANGINOON: "Ako'y nag-alaga at nagpalaki ng mga anak, ngunit sila'y naghimagsik laban sa akin. Nakikilala ng baka ang kanyang panginoon, at ng asno ang sabsaban ng kanyang panginoon ngunit ang Israel ay hindi nakakakilala, ang bayan ko ay hindi nakakaunawa." Ah, bansang makasalanan, bayang puno ng kasamaan, anak ng mga gumagawa ng kasamaan, mga anak na gumagawa ng kabulukan! Tinalikuran nila ang PANGINOON, hinamak nila ang Banal ng Israel, sila'y lubusang naligaw. Bakit kayo'y hahampasin pa, na kayo'y patuloy sa paghihimagsik? Ang buong ulo ay may sakit, at ang buong puso ay nanghihina. Mula sa talampakan ng paa hanggang sa ulo ay walang kagalingan, kundi mga sugat, mga galos, at sariwang latay; hindi pa naaampat, o natalian man, o napalambot man ng langis. Ang inyong lupain ay giba, ang inyong mga lunsod ay tupok ng apoy; ang inyong lupain ay nilalamon ng mga dayuhan sa inyong harapan; iyon ay giba, tulad nang winasak ng mga dayuhan. At ang anak na babae ng Zion ay naiwang parang kubol sa isang ubasan, parang kubo sa taniman ng mga pipino, parang lunsod na nakubkob. Malibang ang PANGINOON ng mga hukbo ay mag-iwan sa atin ng ilang nakaligtas naging gaya sana tayo ng Sodoma, at naging gaya sana tayo ng Gomorra. Pakinggan ninyo ang salita ng PANGINOON, kayong mga pinuno ng Sodoma! Makinig kayo sa kautusan ng ating Diyos, kayong bayan ng Gomorra! "Ano sa akin ang dami ng inyong mga handog? sabi ng PANGINOON; puno na ako sa mga lalaking tupa na handog na sinusunog, at ang taba ng mga pinatabang baka; at ako'y hindi nalulugod sa dugo ng mga toro, mga kordero at ng mga kambing na lalaki. "Nang kayo'y dumating upang tingnan ang aking mukha, sinong humiling nito mula sa inyong kamay na inyong yurakan ang aking mga bulwagan? Huwag na kayong magdala ng mga walang kabuluhang alay; ang insenso ay karumaldumal sa akin. Ang bagong buwan, ang Sabbath, at ang pagtawag ng mga kapulungan — hindi ko na matiis ang kasamaan at ang banal na pagpupulong. Ang aking kaluluwa ay namumuhi sa inyong mga bagong buwan at sa inyong mga takdang kapistahan, ang mga iyan ay pasanin para sa akin. Ako'y pagod na sa pagpapasan ng mga iyan. Kapag inyong iniunat ang inyong mga kamay, ikukubli ko ang aking mga mata sa inyo; kahit na marami ang inyong panalangin, hindi ako makikinig; ang inyong mga kamay ay puno ng dugo. Maghugas kayo ng inyong sarili, maglinis kayo; alisin ninyo ang kasamaan ng inyong mga gawa sa aking paningin; tumigil kayo sa paggawa ng kasamaan, matuto kayong gumawa ng mabuti; inyong hanapin ang katarungan, inyong ituwid ang paniniil; inyong ipagtanggol ang mga ulila, ipaglaban ninyo ang babaing balo. "Pumarito kayo ngayon, at tayo'y mangatuwiran sa isa't isa, sabi ng PANGINOON: bagaman ang inyong mga kasalanan ay tulad ng matingkad na pula, ang mga ito'y magiging mapuputi na parang niyebe; bagaman ito'y mapulang-mapula, ang mga ito'y magiging parang balahibo ng tupa. Kung kayo'y sasang-ayon at magiging masunurin, kayo'y kakain ng mabubuting bagay ng lupain; ngunit kung kayo'y magsitanggi at maghimagsik, kayo'y lalamunin ng tabak; sapagkat ang bibig ng PANGINOON ang nagsalita." Paanong ang tapat na lunsod ay naging upahang babae, siya na puspos ng katarungan! Ang katuwiran ay tumatahan sa kanya, ngunit ngayo'y mga mamamatay tao. Ang iyong pilak ay naging dumi, ang iyong alak ay nahaluan ng tubig. Ang iyong mga pinuno ay mga rebelde, at kasama ng mga mapaghimagsik. Bawat isa'y nagnanais ng mga suhol, at naghahangad ng mga regalo. Hindi nila ipinagtatanggol ang ulila, o nakakarating man sa kanila ang usapin ng babaing balo. Kaya't ang PANGINOON, Diyos ng mga hukbo, ang Makapangyarihan ng Israel, ay nagsasabi, "Ah, aking ibubuhos ang aking poot sa aking mga kaaway, at maghihiganti ako sa aking mga kaaway. Aking ibabaling ang aking kamay laban sa iyo, at aking sasalaing lubos ang iyong dumi tulad ng lihiya, at aalisin ko ang lahat ng iyong tingga. At aking ibabalik ang iyong mga hukom na gaya ng una, at ang iyong mga tagapayo na tulad ng pasimula. Pagkatapos ay tatawagin kang lunsod ng katuwiran, ang tapat na lunsod." Ang Zion ay tutubusin ng katarungan, at ang kanyang mga nanunumbalik sa pamamagitan ng katuwiran. Ngunit magkasamang lilipulin ang mga mapaghimagsik at mga makasalanan, at silang tumalikod sa PANGINOON ay magwawakas. Ngunit ikahihiya mo ang mga punungkahoy na inyong kinagigiliwan; at kayo'y mapapahiya dahil sa inyong piniling mga halamanan. Sapagkat kayo'y magiging parang kahoy na ang dahon ay nalalanta, at parang halamanan na walang tubig. Ang malakas ay magiging parang bagay na madaling masunog, at ang kanyang gawa ay parang kislap, at kapwa sila magliliyab at walang papatay sa apoy. Ang salita na nakita ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at Jerusalem. At mangyayari sa mga huling araw, na ang bundok ng bahay ng PANGINOON ay matatatag bilang pinakamataas sa mga bundok, at itataas sa ibabaw ng mga burol; at lahat ng bansa ay pupunta roon. Maraming tao ang darating at magsasabi: "Halina kayo, at tayo'y umahon sa bundok ng PANGINOON, sa bahay ng Diyos ni Jacob; upang turuan niya tayo ng kanyang mga daan, at tayo'y lumakad sa kanyang mga landas." Sapagkat mula sa Zion ay lalabas ang tagubilin, at ang salita ng PANGINOON mula sa Jerusalem. Kanyang hahatulan ang mga bansa, at magpapasiya para sa maraming tao; at kanilang pupukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod, at ang kanilang mga sibat ay maging mga karit; ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, o matututo pa ng pakikipagdigma. O sambahayan ni Jacob, halikayo at tayo'y lumakad sa liwanag ng PANGINOON. Sapagkat tinanggihan mo ang iyong bayan, ang kay Jacob na sambahayan, sapagkat sila'y puno ng mga manghuhula mula sa silangan, at mga mangkukulam na gaya ng mga Filisteo, at sila'y nakikipagkamay sa mga anak ng mga dayuhan. Ang kanilang lupain naman ay puno ng pilak at ginto, at walang katapusan ang kanilang mga kayamanan; ang kanila namang lupain ay puno ng mga kabayo, at ang kanilang mga karwahe ay wala ring katapusan. Ang kanilang lupain ay puno ng mga diyus-diyosan; kanilang sinasamba ang gawa ng kanilang mga kamay, na ginawa ng kanilang sariling mga daliri. Kaya't ang tao ay hinahamak at ang mga tao ay ibinababa — huwag mo silang patawarin! Pumasok ka sa malaking bato, at magkubli ka sa alabok, mula sa pagkatakot sa PANGINOON at sa karangalan ng kanyang kamahalan. Ang mga tinging mapagmataas ng tao ay ibababa, at ang kapalaluan ng mga tao ay pangungumbabain, at ang PANGINOON lamang ang itataas sa araw na iyon. Sapagkat ay araw ang PANGINOON ng mga hukbo laban sa lahat ng palalo at mapagmataas, laban sa lahat ng itinaas at ito'y ibababa; laban sa lahat ng sedro ng Lebanon, na matayog at mataas; at laban sa lahat ng ensina ng Basan; laban sa lahat ng matataas na bundok, at laban sa lahat ng mga burol na matayog, laban sa bawat matayog na tore, at laban sa bawat matibay na pader, laban sa lahat ng mga sasakyang dagat ng Tarsis, at laban sa lahat ng magagandang barko. At ang kahambugan ng tao ay hahamakin, at ang pagmamataas ng mga tao ay ibababa; at ang PANGINOON lamang ang itataas sa araw na iyon. Ang mga diyus-diyosan ay mapapawing lubos. Ang mga tao ay papasok sa mga yungib ng malalaking bato, at sa mga butas ng lupa, sa harapan ng pagkatakot sa PANGINOON, at sa karangalan ng kanyang kamahalan, kapag siya'y bumangon upang yanigin ang lupa. Sa araw na iyon ay ihahagis ng mga tao ang kanilang mga diyus-diyosang pilak, at ang kanilang mga diyus-diyosang ginto, na kanilang ginawa upang sambahin, sa mga daga at mga paniki; upang pumasok sa mga siwang ng malalaking bato, at sa mga bitak ng mga bangin, sa harapan ng pagkatakot sa PANGINOON, at sa karangalan ng kanyang kamahalan, kapag siya'y bumangon upang yanigin ang lupa. Layuan ninyo ang tao, na ang hinga ay nasa kanyang ilong, sapagkat ano siya para pahalagahan? Sapagkat, inaalis ng Makapangyarihan, ng PANGINOON ng mga hukbo, sa Jerusalem at sa Juda ang panustos at tungkod, ang lahat na panustos na tinapay at ang lahat na panustos na tubig; ang magiting na lalaki at ang mandirigma ang hukom at ang propeta, ang manghuhula at ang matanda; ang kapitan ng limampu, at ang marangal na tao, ang tagapayo, at ang bihasang salamangkero, at ang dalubhasa sa pag-eengkanto. Gagawin kong pinuno nila ang mga batang lalaki, at ang mga sanggol ang mamumuno sa kanila. Aapihin ng mga tao ang isa't isa, bawat isa'y ang kanyang kapwa, ang kabataan ay magpapalalo laban sa matanda at ang hamak laban sa marangal. Kapag hinawakan ng lalaki ang kanyang kapatid sa bahay ng kanyang ama, na nagsasabi: "Ikaw ay may damit, ikaw ay maging aming pinuno, at ang wasak na ito ay mapapasailalim ng iyong pamamahala"; sa araw na iyon ay magsasalita siya na nagsasabi: "Hindi ako magiging tagapagpagaling; sa aking bahay ay wala kahit tinapay o damit man; huwag ninyo akong gawing pinuno ng bayan." Sapagkat ang Jerusalem ay giba, at ang Juda ay bumagsak; sapagkat ang kanilang pananalita at ang kanilang mga gawa ay laban sa PANGINOON, na nilalapastangan ang kanyang maluwalhating presensiya. Ang kanilang pagtatangi ng mga tao ay sumasaksi laban sa kanila; at kanilang ipinahahayag ang kanilang mga kasalanan na gaya ng Sodoma, hindi nila ikinukubli ito. Kahabag-habag sila! Sapagkat sila'y nagdala ng kasamaan sa kanilang sarili. Sabihin ninyo sa matuwid, na iyon ay sa ikabubuti nila, sapagkat sila'y kakain ng bunga ng kanilang mga gawa. Kahabag-habag ang masama! Ikasasama nila iyon, sapagkat ang ginawa ng kanyang mga kamay ay gagawin sa kanya. Tungkol sa aking bayan, mga bata ang nang-aapi sa kanila, at ang mga babae ang namumuno sa kanila. O bayan ko, inililigaw kayo ng inyong mga pinuno, at ginugulo ang daan ng iyong mga landas. Ang PANGINOON ay tumayo upang magsanggalang, kinuha niya ang kanyang lugar upang ang kanyang bayan ay hatulan. Ang PANGINOON ay papasok sa paghatol kasama ng matatanda at mga pinuno ng kanyang bayan: "Kayo ang lumamon ng ubasan, ang samsam ng mga dukha ay nasa inyong mga bahay. Anong ibig ninyong sabihin na inyong dinudurog ang aking bayan, at ginigiling ang mukha ng mga dukha?" sabi ng Panginoong DIYOS ng mga hukbo. Sinabi ng PANGINOON: Sapagkat ang mga anak na babae ng Zion ay mapagmataas, at nagsisilakad na may naghahabaang mga leeg, at mga matang nagsisiirap, na lumalakad na pakendeng-kendeng habang humahayo, at ipinapadyak ang kanilang mga paa; kaya't sasaktan ng PANGINOON ang bao ng ulo ng mga anak na babae ng Zion, at ilalantad ng PANGINOON ang kanilang mga lihim na bahagi. Sa araw na iyon ay aalisin ng PANGINOON ang mga hiyas ng kanilang mga paa, at ang mga hiyas ng ulo, at ang mga pahiyas na may hugis ng kalahating buwan; ang mga kuwintas, ang mga pulseras, at ang mga belo; ang mga laso ng buhok, ang mga palamuti sa braso, ang mga pamigkis, ang mga sisidlan ng pabango, at ang mga anting-anting, ang mga singsing, ang mga hiyas na pang-ilong; ang mga damit na pamista, ang mga balabal, ang mga kapa, ang mga pitaka; ang maninipis na kasuotan, ang pinong lino, ang mga turbante, at ang mga belo. Sa halip na maiinam na pabango ay kabulukan; at sa halip na pamigkis ay lubid; at sa halip na ayos na buhok ay kakalbuhan; at sa halip na pamigkis na maganda ay pamigkis na damit-sako; kahihiyan sa halip na kagandahan. Ang iyong mga lalaki ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak, at ang iyong magigiting ay sa pakikipagdigma. At ang kanyang mga pintuan ay tataghoy at tatangis; at siya'y wasak na uupo sa ibabaw ng lupa. Pitong babae ang hahawak sa isang lalaki sa araw na iyon, na magsasabi, "Kami ay kakain ng aming sariling tinapay at magsusuot ng aming sariling kasuotan, hayaan mo lamang na tawagin kami sa iyong pangalan; alisin mo ang aming kahihiyan." Sa araw na iyon ay magiging maganda at maluwalhati ang sanga ng PANGINOON, at ang bunga ng lupain ay ipagmamalaki at sa ikaluluwalhati ng mga nakaligtas na taga-Israel. Siyang naiwan sa Zion, at siyang nanatili sa Jerusalem ay tatawaging banal, bawat nakatala sa mga nabubuhay sa Jerusalem, kapag hinugasan ng Panginoon ang karumihan ng mga anak na babae ng Zion, at nilinis ang dugo ng Jerusalem sa gitna ng bayan sa pamamagitan ng espiritu ng paghuhukom at ng espiritu ng pagsunog. At ang PANGINOON ay lilikha sa itaas ng buong kinalalagyan ng Bundok ng Zion, at sa itaas ng kanyang mga kapulungan ng isang ulap sa araw, at ng usok at liwanag ng nagniningas na apoy sa gabi; sapagkat sa itaas ng lahat ng kaluwalharian ay magkakaroon ng isang bubong at kanlungan. At iyon ay magiging kanlungan kapag araw laban sa init, at kanlungan at kublihan mula sa bagyo at ulan. Paawitin ninyo ako sa aking pinakamamahal, ng awit ng aking minamahal tungkol sa kanyang ubasan: Ang aking pinakamamahal ay may ubasan sa matabang burol. Kanyang binungkal iyon at inalisan ng mga bato, at tinamnan ng piling puno ng ubas, nagtayo siya ng isang toreng bantayan sa gitna niyon, at humukay doon ng isang pisaan ng ubas; at kanyang hinintay na magbunga ng ubas, ngunit nagbunga ito ng ligaw na ubas. At ngayon, O mga mamamayan ng Jerusalem at mga kalalakihan ng Juda, hatulan ninyo, hinihiling ko sa inyo, ako at ang aking ubasan. Ano pa ang magagawa ko sa aking ubasan na hindi ko nagawa? Sino ang nakakaalam? Bakit, nang aking hinihintay na magbubunga ng mga ubas, ito'y nagbunga ng ubas na ligaw? Ngayo'y aking sasabihin sa inyo ang gagawin ko sa aking ubasan. Aking aalisin ang halamang-bakod niyon, at ito ay susunugin, aking ibabagsak ang pader niyon at ito'y magiging lupang yapakan. Aking pababayaang sira; hindi aalisan ng sanga o bubungkalin man; magsisitubo ang mga dawag at mga tinik; akin ding iuutos sa mga ulap, na huwag nila itong paulanan ng ulan. Sapagkat ang ubasan ng PANGINOON ng mga hukbo ay ang sambahayan ng Israel, at ang mga tao ng Juda ay ang kanyang maligayang pananim; at siya'y naghintay ng katarungan, ngunit narito, pagdanak ng dugo; ng katuwiran, ngunit narito, pagdaing! Kahabag-habag sila na nagdudugtong ng bahay sa bahay, na nagdaragdag ng bukid sa bukid hanggang sa mawalan na ng pagitan, at kayo'y patirahing nag-iisa sa gitna ng lupain! Sa aking pandinig ang PANGINOON ng mga hukbo ay sumumpa: "Tiyak na maraming bahay ang magigiba, malalaki at magagandang bahay, na walang naninirahan. Sapagkat ang walong ektarya ng ubasan ay magbubunga lamang ng limang galon, at sampung omer ng binhi ay magbubunga lamang ng isang efa." Kahabag-habag sila na bumabangong maaga sa umaga, upang sila'y makasunod sa nakalalasing na inumin; na nagpupuyat hanggang sa kalaliman ng gabi, hanggang sa mag-alab ang alak sa kanila! Sila'y may lira at alpa, pandereta at plauta, at alak sa kanilang mga kapistahan; ngunit hindi nila pinahalagahan ang mga gawa ng PANGINOON, o minasdan man nila ang gawa ng kanyang mga kamay. Kaya't ang aking bayan ay pupunta sa pagkabihag dahil sa kawalan ng kaalaman; ang kanilang mararangal na tao ay namamatay sa gutom, at ang napakarami nilang tao ay nalulugmok sa uhaw. Kaya't pinalaki ng Sheol ang kanyang panlasa, at ibinuka nito ang kanyang bibig na hindi masukat, at ang kaluwalhatian ng Jerusalem, at ang kanilang karamihan, at ang kanilang kahambugan, at ang nagagalak sa gitna nila ay bumaba roon. Ang tao ay pinayuyukod, at ang tao ay pinapagpapakumbaba, at ang mga mata ng nagmamataas ay pinapagpapakumbaba. Ngunit ang PANGINOON ng mga hukbo ay itinaas sa katarungan, at ang Diyos na Banal ay napatunayang banal sa katuwiran. Kung magkagayo'y manginginain ang mga kordero na gaya sa kanilang pastulan, at ang mga patabain sa mga wasak na lugar ay kakainin ng mga dayuhan. Kahabag-habag sila na nagsisihila ng kasamaan sa pamamagitan ng mga panali ng pagkukunwari, at ng kasalanan na tila lubid ng kariton, na nagsasabi, "Pagmadaliin siya, madaliin niya ang kanyang gawain upang iyon ay aming makita; at dumating nawa ang layunin ng Banal ng Israel upang iyon ay aming malaman!" Kahabag-habag sila na tinatawag na mabuti ang masama, at ang masama ay mabuti; na inaaring dilim ang liwanag, at liwanag ang dilim; na inaaring mapait ang matamis, at matamis ang mapait! Kahabag-habag sila na pantas sa kanilang sariling mga mata, at marunong sa kanilang sariling paningin! Kahabag-habag sila na mga malakas sa pag-inom ng alak, at mga taong matatapang sa paghahalo ng matapang na inumin, na pinawawalang-sala ang masama dahil sa suhol, at ang katuwiran ng matuwid ay inaalis sa kanya! Kaya't kung paanong ang dila ng apoy ay tumutupok sa dayami, at ang tuyong damo ay natutupok sa liyab, magiging gaya ng kabulukan ang kanilang ugat, at ang kanilang bulaklak ay papailanlang na gaya ng alabok; sapagkat kanilang itinakuwil ang tagubilin ng PANGINOON ng mga hukbo, at hinamak ang salita ng Banal ng Israel. Kaya't nag-alab ang galit ng PANGINOON laban sa kanyang bayan, at iniunat niya ang kanyang kamay laban sa kanila, at sinaktan sila, at ang mga bundok ay nayanig; at ang kanilang mga bangkay ay naging gaya ng dumi sa gitna ng mga lansangan. Sa lahat ng ito ay hindi napawi ang kanyang galit, kundi laging nakaunat ang kanyang kamay. Siya'y magtataas ng hudyat sa mga bansa mula sa malayo, at sisipulan sila mula sa mga dulo ng lupa; at, narito, ito'y dumarating na napakatulin! Walang napapagod o natitisod man, walang umiidlip o natutulog man; walang pamigkis na maluwag, o napatid man ang mga panali ng mga sandalyas; ang kanilang mga palaso ay matalas, at lahat nilang pana ay nakahanda ang mga kuko ng kanilang mga kabayo ay parang batong hasaan, at ang kanilang mga gulong ay parang ipu-ipo. Ang kanilang ungal ay gaya ng sa leon, sila'y nagsisiungal na gaya ng mga batang leon; sila'y nagsisiungal, at nanghuhuli ng biktima, at kanilang tinatangay, at walang makapagliligtas. Ang mga iyon ay uungal laban sa kanila sa araw na iyon na gaya ng ugong ng dagat. Kung may tumingin sa lupain, narito, kadiliman at kahirapan, at ang liwanag ay pinadilim ng mga ulap niyon. Noong taong mamatay si Haring Uzias ay nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa isang tronong matayog at mataas; at napuno ang templo ng laylayan ng kanyang damit. Sa itaas niya ay nakatayo ang mga serafin; bawat isa'y may anim na pakpak; may dalawang nakatakip sa kanyang mukha, may dalawa na nakatakip sa kanyang mga paa, at may dalawa na naglilipad sa kanya. At tinawag ng isa ang isa at sinabi: "Banal, banal, banal ang PANGINOON ng mga hukbo; ang buong lupa ay puno ng kanyang kaluwalhatian." At ang mga pundasyon ng mga pintuan ay nayanig sa tinig ng sumisigaw, at ang bahay ay napuno ng usok. Nang magkagayo'y sinabi ko: "Kahabag-habag ako! Ako'y napahamak sapagkat ako'y lalaking may maruruming labi, at ako'y naninirahan sa gitna ng bayan na may maruruming labi; sapagkat nakita ng aking mga mata ang Hari, ang PANGINOON ng mga hukbo!" Nang magkagayo'y lumipad papalapit sa akin ang isa sa mga serafin na may baga sa kanyang kamay na kanyang kinuha ng mga sipit mula sa dambana. Inilapat niya ito sa aking bibig, at nagsabi, "Ngayong lumapat ito sa iyong mga labi, ang iyong kasamaan ay naalis na, at ang iyong kasalanan ay pinatawad na." At narinig ko ang tinig ng Panginoon, na nagsasabi, "Sinong susuguin ko, at sinong hahayo para sa atin?" Nang magkagayo'y sinabi ko, "Narito ako; suguin mo ako!" At sinabi niya, "Ikaw ay humayo, at sabihin mo sa bayang ito: 'Patuloy kayong makinig, ngunit huwag ninyong unawain; patuloy ninyong tingnan, ngunit huwag ninyong alamin!' Patabain mo ang puso ng bayang ito, at iyong pabigatin ang kanilang mga pandinig, at iyong ipikit ang kanilang mga mata; baka sila'y makakita ng kanilang mga mata, at makarinig ng kanilang mga tainga, at makaunawa ng kanilang puso, at magbalik-loob, at magsigaling." Nang magkagayo'y sinabi ko, "O Panginoon, hanggang kailan?" At siya'y sumagot: "Hanggang sa ang mga lunsod ay magiba na walang naninirahan, at ang mga bahay ay mawalan ng tao, at ang lupain ay maging lubos na mawasak, at ilayo ng PANGINOON ang mga tao, at ang mga pinabayaang dako ay marami sa gitna ng lupain. At bagaman magkaroon ng ikasampung bahagi roon, muli itong susunugin, gaya ng isang roble o isang ensina, na ang tuod ay nananatiling nakatayo kapag ito ay pinuputol." Ang banal na binhi ang siyang tuod niyon. Nang mga araw ni Ahaz na anak ni Jotam, anak ni Uzias, na hari ng Juda, si Rezin na hari ng Siria, at si Peka na anak ni Remalias na hari ng Israel, ay umahon sa Jerusalem upang makipagdigma laban doon, ngunit hindi nila ito magapi. Nang sabihin sa sambahayan ni David, 'Ang Siria ay nakipagkasundo sa Efraim," ang puso niya at ang puso ng kanyang bayan ay nanginig na gaya ng mga punungkahoy sa gubat na niyanig ng hangin. Nang magkagayo'y sinabi ng PANGINOON kay Isaias, "Lumabas ka at iyong salubungin si Ahaz, ikaw, at si Sear-jasub na iyong anak, sa dulo ng padaluyan ng tipunan ng tubig sa itaas, sa lansangan ng parang ng Bilaran ngTela, at sabihin mo sa kanya, 'Ikaw ay makinig, tumahimik ka, huwag kang matakot, o manghina man ang iyong puso ng dahil sa dalawang buntot na apoy na ito na umuusok, ng dahil sa mabangis na galit ng Rezin at Siria, at ng anak ni Remalias. Dahil sa ang Siria, ang Efraim, at ang mga anak ni Remalias, ay nagbalak ng masama laban sa iyo, na nagsasabi, "Magsiahon tayo laban sa Juda, at ating takutin, at ating sakupin para sa ating sarili, at ating ilagay na hari sa gitna niyon ang anak ni Tabeel." Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: "Hindi ito matatatag o mangyayari man. Sapagkat ang ulo ng Siria ay ang Damasco, at ang ulo ng Damasco ay ang Rezin. Sa loob ng animnapu't limang taon ay magkakawatak-watak ang Efraim anupa't hindi na ito magiging isang bayan. At ang ulo ng Efraim ay ang Samaria, at ang ulo ng Samaria ay ang anak ni Remalias. Kung kayo'y hindi maniniwala, tunay na hindi kayo matatatag.'" At ang PANGINOON ay muling nagsalita kay Ahaz, na sinasabi, "Humingi ka ng tanda mula sa PANGINOON mong Diyos; gawin mo itong kasinlalim ng Sheol o kasintaas ng langit." Ngunit sinabi ni Ahaz, "Hindi ako hihingi, ni susubukin ko man ang PANGINOON." At kanyang sinabi, "Dinggin ninyo ngayon, O sambahayan ni David! Maliit na bagay ba sa inyo ang pagurin ang mga tao, na inyong papagurin rin ang aking Diyos? Kaya't ang Panginoon mismo ang magbibigay sa inyo ng tanda. Narito, isang birhen ang maglilihi, at manganganak ng isang lalaki, at kanyang tatawagin ang kanyang pangalan na Emmanuel. Siya'y kakain ng keso at pulot, kapag siya'y natutong tumanggi sa kasamaan, at pumili ng mabuti. Sapagkat bago malaman ng bata na tumanggi sa kasamaan, at pumili ng mabuti, iiwan ang lupain ng dalawang haring iyong kinatatakutan. Ang PANGINOON ay magpapasapit sa iyo, sa iyong bayan, at sa sambahayan ng iyong ninuno ng mga araw na hindi pa nangyari mula nang araw na humiwalay ang Efraim sa Juda, ang hari ng Asiria." Sa araw na iyon, susutsutan ng PANGINOON ang langaw na nasa kahuli-hulihang bahagi ng mga ilog ng Ehipto, at ang pukyutan na nasa lupain ng Asiria. At sila'y dadating, at silang lahat ay magpapahinga sa matatarik na bangin, sa mga bitak ng malalaking bato, sa lahat ng mga tinikan, at sa lahat ng mga sukal. Sa araw na iyon ay aahitan ng Panginoon ng pang-ahit na inupahan sa kabila ng Ilog, — kasama ang hari ng Asiria — ang ulo at ang balahibo ng mga paa, gayundin ang balbas. Sa araw na iyon, ang isang tao ay mag-aalaga ng guyang baka at ng dalawang tupa; at dahil sa saganang gatas na kanilang ibibigay ay kakain siya ng keso; sapagkat ang bawat isa na naiwan sa gitna ng lupain ay kakain ng keso at pulot. Sa araw na iyon, ang bawat dakong kinaroroonan ng libong puno ng ubas na nagkakahalaga ng isang libong siklong pilak, ay magiging dawagan at tinikan. Paroroon doon ang mga tao na may mga pana at may busog; sapagkat ang buong lupain ay magiging mga dawag at mga tinikan. At ang tungkol sa lahat ng burol na inaasarol ng asarol ay hindi mo paroroonan dahil sa takot sa mga dawag at sa mga tinikan; ngunit ang mga iyon ay magiging dako na doon ay pinakakawalan ang mga baka at ang mga tupa ay naglalakad. Sinabi ng PANGINOON sa akin, "Kumuha ka ng malapad na tabla, at sulatan mo ng pangkaraniwang titik, 'Kay Maher-shalalhash-baz.'" Mayroon akong mga tapat na saksi upang sumaksi sa akin, sina Urias na pari at si Zacarias na anak ni Jeberekias. At ako'y naparoon sa propetisa; at siya'y naglihi, at nanganak ng isang lalaki. At sinabi ng PANGINOON sa akin, "Tawagin mo ang kanyang pangalan na Maher-shalalhash-baz. Sapagkat bago ang bata ay matutong magsalita ng, 'Ama ko,' o 'Ina ko,' ang kayamanan ng Damasco at ang samsam sa Samaria ay kukunin sa harapan ng hari ng Asiria." At nagsalitang muli ang PANGINOON sa akin: "Yamang tinanggihan ng bayang ito ang tubig ng Siloa na umaagos na marahan, at magalak sa harapan ni Rezin at sa anak ni Remalias; kaya't narito, iniaahon ng PANGINOON sa kanila ang tubig ng Ilog, malakas at marami, ang hari ng Asiria at ang lahat niyang kaluwalhatian. Siya'y aahon sa lahat niyang daluyan, at aapaw sa lahat niyang baybayin. Ito'y aagos hanggang sa Juda, aapaw at aabot hanggang sa leeg; at ang nakabuka niyang mga pakpak ang siyang magpupuno ng lawak ng iyong lupain, O Emmanuel." Kayo'y magsama-sama, mga bayan, at mabalisa, kayo'y makinig, kayong lahat na malayong lupain; magbigkis kayo, at kayo'y mabagabag, kayo'y magbigkis, at kayo'y mabagabag, Magsanggunian kayo, ngunit iyon ay mauuwi sa wala; magsalita kayo ng salita ngunit iyon ay hindi mananatili, sapagkat ang Diyos ay kasama namin. Sapagkat ang PANGINOON ay nagsalitang ganito sa akin na may malakas na kamay, at binalaan ako na huwag lumakad sa lakad ng bayang ito, na sinasabi, "Huwag ninyong tawaging pagsasabwatan ang lahat na tinatawag na pagsasabwatan ng bayang ito, at huwag ninyong katakutan ang kanilang kinatatakutan, o mangilabot man. Ngunit ang PANGINOON ng mga hukbo, siya ang inyong ituturing na banal; siya ang inyong katakutan, at sa kanya kayo mangilabot. At siya'y magiging santuwaryo ninyo, isang batong katitisuran at malaking batong kabubuwalan ng dalawang sambahayan ng Israel, isang bitag at silo sa mga mamamayan ng Jerusalem. At marami ang matitisod doon; sila'y mabubuwal at mababalian. Sila'y masisilo at mahuhuli." Talian mo ang patotoo, tatakan mo ang turo sa gitna ng aking mga alagad. Aking hihintayin ang PANGINOON na nagkukubli ng kanyang mukha sa sambahayan ni Jacob, at ako'y aasa sa kanya. Ako at ang mga anak na ibinigay sa akin ng PANGINOON ay mga tanda at kababalaghan sa Israel mula sa PANGINOON ng mga hukbo, na naninirahan sa Bundok ng Zion. At kapag kanilang sinabi sa inyo, "Sumangguni kayo sa mga multo at masasamang espiritu na humuhuni at bumubulong." Hindi ba dapat sumangguni ang bayan sa kanilang Diyos, ang mga patay para sa mga buhay? Sa kautusan at sa patotoo! Kung hindi sila nagsasalita nang ayon sa salitang ito ay sa dahilang wala silang umaga. At sila'y daraan sa lupain na nahihirapang lubha at gutom, at kapag sila'y nagugutom, sila'y magagalit, at susumpain ang kanilang hari at ang kanilang Diyos, at ititingala ang kanilang mga mukha. Sila'y titingin sa lupa ngunit ang makikita lamang ay kahirapan at kadihman, ulap ng hapis, at itataboy sila sa makapal na kadiliman. Gayunman ay hindi magkakaroon ng kapanglawan sa kanya na nasa pagkahapis. Nang unang panahon ay dinala niya sa paghamak ang mga lupain ng Zebulon at Neftali, ngunit sa huling panahon ay gagawin niyang maluwalhati ang daang patungo sa dagat, ang lupain sa kabila ng Jordan, ang Galilea ng mga bansa. Ang bayan na lumakad sa kadiliman ay nakakita ng dakilang liwanag; silang naninirahan sa lupain ng matinding kadiliman, sa kanila sumikat ang liwanag. Iyong pinarami ang bansa, iyong pinarami ang kanilang kagalakan. Sila'y nagagalak sa harap mo gaya ng kagalakan sa pag-aani, gaya ng mga tao na nagagalak kapag kanilang pinaghahatian ang samsam. Sapagkat ang pamatok na kanyang pasan, at ang pingga sa kanyang balikat, ang panghampas ng nagpapahirap sa kanya, ay iyong sinira na gaya sa araw ng Midian. Sapagkat lahat ng sandalyas ng naglalakad na mandirigma, at ang mga kasuotang tigmak ng dugo ay susunugin bilang panggatong para sa apoy. Sapagkat sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki; at ang pamamahala ay maaatang sa kanyang balikat; at ang kanyang pangalan ay tatawaging "Kamanghamanghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan." Ang paglago ng kanyang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magwawakas, sa trono ni David, at sa kanyang kaharian, upang itatag, at upang alalayan ng katarungan at ng katuwiran mula sa panahong ito hanggang sa magpakailanman. Isasagawa ito ng sigasig ng PANGINOON ng mga hukbo. Nagpadala ng mensahe ang PANGINOON sa Jacob, at ito'y magliliwanag sa Israel. At malalaman ng buong bayan, ng Efraim at ng mga mamamayan ng Samaria, na nagsasabi sa kapalaluan at sa pagmamatigas ng puso: "Ang mga laryo ay nahulog, ngunit aming itatayo ng tinabas na bato; ang mga sikomoro ay pinutol na, ngunit aming papalitan ng mga sedro." Kaya't ang PANGINOON ay magbabangon ng mga kaaway laban sa kanila, at pasisiglahin ang kanyang mga kalaban. Ang mga taga-Siria sa silangan, at ang mga Filisteo sa kanluran, at kanilang lalamunin ang Israel sa pamamagitan ng bukas na bibig. Sa lahat na ito ang kanyang galit ay hindi napawi, kundi ang kanyang kamay ay laging nakaunat. Gayunma'y ang bayan ay hindi nagbalik-loob sa kanya na nanakit sa kanila, o hinanap man nila ang PANGINOON ng mga hukbo. Kaya't puputulin ng PANGINOON ang ulo't buntot ng Israel, ang sanga ng palma at ang tambo, sa isang araw — ang matanda at ang marangal na tao ang siyang ulo, at ang propeta na nagtuturo ng mga kabulaanan ang siyang buntot. Sapagkat silang umakay sa bayang ito ay siyang nagliligaw; at silang pinapatnubayan nila ay nilamon. Kaya't ang Panginoon ay hindi nagagalak sa kanilang mga binata, ni mahahabag man sa kanilang mga ulila at mga babaing balo. Sapagkat bawat isa ay masama at manggagawa ng kasamaan, at bawat bibig ay nagsasalita ng kahangalan. Sa lahat na ito ang galit niya ay hindi napawi, kundi ang kanyang kamay ay laging nakaunat. Sapagkat ang kasamaan ay sumusunog na gaya ng apoy; ito'y tumutupok ng mga dawag at mga tinikan; inaapuyan nito ang tinikan sa gubat, at pumapailanglang na paitaas sa mga masinsing ulap na usok. Sa poot ng PANGINOON ng mga hukbo ay nasusunog ang lupain. Ang bayan naman ay gaya ng panggatong sa apoy; walang taong nagpapatawad sa kanyang kapatid. Sila'y sumunggab ng kanang kamay, ngunit nagugutom pa rin, at kakain sa kaliwa, ngunit hindi sila nasisiyahan, nilalamon ng bawat isa ang laman ng kanyang kapwa. Sinakmal ng Manases ang Efraim, at ng Efrairn ang Manases; sila'y kapwa naging laban sa Juda. Sa lahat na ito ang galit niya ay hindi napawi, kundi ang kanyang kamay ay laging nakaunat. Kahabag-habag sila na nag-uutos ng masasamang utos, at ang mga manunulat na sumusulat ng mga pang-aapi. Upang ilayo sa katarungan ang nangangailangan, at upang alisin ang karapatan ng dukha ng aking bayan, upang ang mga babaing balo ay maging kanilang samsam, at upang kanilang gawing mga biktima ang mga ulila! Ano ang inyong gagawin sa araw ng pagpaparusa, sa bagyo na darating mula sa malayo? Kanino kayo tatakas upang kayo'y tulungan, at saan ninyo iiwan ang inyong kayamanan? Walang nalabi kundi ang mamaluktot na kasama ng mga bilanggo, o mabubuwal na kasama ng mga napatay. Sa lahat ng ito ang galit niya ay hindi napawi, kundi ang kanyang kamay ay laging nakaunat. Hoy, taga-Asiria, ang pamalo ng aking galit, siyang tungkod ng aking poot! Aking susuguin siya laban sa isang masamang bansa, at laban sa bayan na aking kinapopootan ay inuutusan ko siya, upang manamsam at manunggab, at yapakan sila na parang putik ng mga lansangan. Gayunma'y hindi niya inaakalang gayon, at hindi gayon ang iniisip ng kanyang puso; ngunit ang nasa kanyang puso ang mangwasak, at lipulin ang mga bansa na hindi kakaunti. Sapagkat kanyang sinasabi, "Hindi ba ang aking mga punong kawal ay haring lahat? Hindi ba ang Calno ay gaya ng Carquemis? Hindi ba ang Hamat ay gaya ng Arpad? Hindi ba ang Samaria ay gaya ng Damasco? Kung paanong nakaabot ang aking kamay hanggang sa mga kaharian ng mga diyus-diyosan, na ang mga larawan nilang inanyuan ay mas marami kaysa Jerusalem at sa Samaria; Hindi ko ba gagawin sa Jerusalem at sa kanyang mga diyus-diyosan, ang gaya ng ginawa ko sa Samaria at sa kanyang mga diyus-diyosan?" Kaya't kapag naisagawa ng Panginoon ang lahat niyang gawain sa Bundok ng Zion at sa Jerusalem, kanyang parurusahan ang palalong paghahambog ng hari ng Asiria, at ang kanyang mga mapagmataas na kapalaluan. Sapagkat kanyang sinabi: "Aking ginawa ito sa kalakasan ng aking kamay at sa aking karunungan, sapagkat ako'y may pang-unawa; aking inalis ang mga hangganan ng mga tao, at ninakaw ko ang kanilang mga kayamanan, at parang matapang na toro na ibinaba ko ang mga nakaupo sa mga trono. At natagpuan ng aking kamay na parang pugad ang mga kayamanan ng mga tao; kaya't aking pinulot ang buong lupa na parang namumulot ng mga itlog na napabayaan, at walang nagkilos ng pakpak, o nagbuka man ng bibig o sumiyap." Magmamapuri ba ang palakol laban sa gumagamit niyon? O magmamalaki ba ang lagari laban sa humahawak niyon? Na parang dapat itaas ng pamalo ang nagtataas niyon, o na parang dapat itaas ng tungkod siya na hindi kahoy. Kaya't ang Panginoon, ang PANGINOON ng mga hukbo, ay magpaparating ng nakapanghihinang karamdaman sa kanyang matatabang mandirigma at sa ilalim ng kanyang kaluwalhatian ay magkakaroon ng pagniningas na gaya ng ningas ng apoy. At ang liwanag ng Israel ay magiging apoy, at ang kanyang Banal ay pinakaliyab; at susunugin at lalamunin nito ang kanyang mga tinikan at mga dawag sa isang araw. At kanyang wawasakin ang kaluwalhatian ng kanyang gubat, at ng kanyang mabungang lupain, ang kaluluwa at gayundin ang katawan; at magiging gaya ng maysakit na nanghihina. At ang nalabi sa mga punungkahoy ng kanyang gubat ay mangangaunti, na ang mga iyon ay kayang bilangin ng bata. At sa araw na iyon, ang nalabi sa Israel at ang nakatakas sa sambahayan ni Jacob, hindi na magtitiwala pa uli sa kanya na nanakit sa kanila; kundi magtitiwala sa PANGINOON, sa Banal ng Israel, sa katotohanan. Ang isang nalabi ay babalik, ang nalabi ng Jacob, sa makapangyarihang Diyos. Sapagkat bagaman ang iyong bayang Israel ay magiging parang buhangin sa dagat, tanging ang nalabi lamang sa kanila ang babalik. Ang pagkawasak ay naiutos na, na inaapawan ng katuwiran. Sapagkat ang Panginoon, ang PANGINOON ng mga hukbo, ay gagawa ng lubos na kawakasan, gaya ng inuutos, sa gitna ng buong lupa. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng PANGINOON ng mga hukbo, "O bayan kong tumatahan sa Zion, huwag kayong matakot sa taga-Asiria kapag kayo ay sinaktan ng pamalo at itaas ang kanyang tungkod laban sa iyo, gaya ng ginawa ng mga Ehipcio. Sapagkat kaunting panahon na lamang at ang aking pagkagalit ay matatapos na, at ang aking galit ay matutuon sa kanilang ikawawasak. Ang PANGINOON ng mga hukbo ay hahawak ng panghampas laban sa kanila, gaya nang kanyang paluin ang Midian sa bato ng Oreb. At ang kanyang panghampas ay aabot sa dagat, at kanyang itataas na gaya ng kanyang ginawa sa Ehipto. At sa araw na iyon, ang pasan niya ay mawawala sa iyong balikat, at ang kanyang pamatok ay mawawasak mula sa iyong leeg." Siya ay umahon mula sa Rimon. Siya'y dumating sa Ajad, siya'y nagdaan sa Migron; itinabi niya sa Micmash ang kanyang mga daladalahan. Sila'y nakatawid sa landas; sila'y nagpalipas ng gabi sa Geba. Ang Rama ay nanginginig; ang Gibea ni Saul ay tumakas. Sumigaw ka nang malakas, O anak na babae ng Galim! Makinig ka, O Lais! Sagutin mo siya, O Anatot! Ang Madmena ay nasa pagtakas, ang mga nananahan sa Gebim ay nagsisitakas upang maligtas. Sa araw ding ito ay titigil siya sa Nob; kanyang kakalugin ang kanyang kamao sa bundok ng anak na babae ng Zion, na burol ng Jerusalem. Tingnan mo, puputulin ng Panginoon, ng PANGINOON ng mga hukbo, ang mga sanga sa pamamagitan ng kakilakilabot na kapangyarihan, at ang napakataas ay ibubuwal at ang matatayog ay ibababa. Kanyang puputulin ang mga sukal ng gubat sa pamamagitan ng palakol, at ang Lebanon at ang maharlika nitong mga puno ay babagsak. May usbong na lalabas mula sa tuod ni Jesse, at sisibol ang isang sanga mula sa kanyang mga ugat. At ang Espiritu ng PANGINOON ay sasakanya, ang diwa ng karunungan at ng unawa, ang diwa ng payo at ng kapangyarihan, ang diwa ng kaalaman at ng takot Panginoon; at ang kanyang kalulugdan ay ang takot sa PANGINOON. Hindi siya hahatol ng ayon sa nakikita ng kanyang mga mata, ni magpapasiya man ng ayon sa narinig ng kanyang mga tainga. Kundi sa katuwiran ay hahatulan niya ang dukha, at magpapasiya na may karampatan para sa maaamo sa lupa. Sasaktan niya ang lupa ng pamalo ng kanyang bibig, at sa hinga ng kanyang mga labi ay kanyang papatayin ang masama. Katuwiran ang magiging bigkis ng kanyang baywang, at katapatan ang pamigkis ng kanyang mga balakang. At ang asong-gubat ay maninirahang kasama ng kordero, at mahihigang kasiping ng batang kambing ang leopardo, ang guya, ang batang leon, at ang patabain ay magkakasama; at papatnubayan sila ng munting bata. Ang baka at ang oso ay manginginain; ang kanilang mga anak ay mahihigang magkakasiping; at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka. Ang batang pasusuhin ay maglalaro sa lungga ng ahas, at ang batang kahihiwalay sa suso ay isusuot ang kanyang kamay sa lungga ng ulupong. Hindi sila mananakit o maninira man sa aking buong banal na bundok: sapagkat ang lupa ay mapupuno ng kaalaman ng PANGINOON, gaya ng tubig na tumatakip sa dagat. At sa araw na iyon ang ugat ni Jesse ay tatayo bilang sagisag ng mga bayan, siya ay hahanapin ng mga bansa; at ang kanyang tirahan ay magiging maluwalhati. At sa araw na iyon ay muling iuunat ng PANGINOON ang kanyang kamay upang mabawi ang nalabi sa kanyang bayan, mula sa Asiria, Ehipto, Patros, Etiopia, mula sa Elam, Shinar, Hamat, at mula sa mga lupain sa baybayin ng dagat. Siya'y maglalagay ng sagisag para sa mga bansa, at titipunin niya ang mga ipinatapon mula sa Israel, at titipunin ang mga nangalat ng Juda mula sa apat na sulok ng lupa. Ang paninibugho ng Efraim ay maaalis, ang panliligalig ng Juda ay tatanggalin, ang Efraim ay hindi maninibugho sa Juda, at ang Juda ay hindi manliligalig sa Efraim. Ngunit sila'y lulusob sa mga Filisteo sa kanluran, at magkasamang mananamsam sila sa mga tao ng silangan. Kanilang iuunat ang kanilang kamay sa Edom at sa Moab; at susundin sila ng mga anak ni Ammon. At lubos na wawasakin ng PANGINOON ang dila ng dagat ng Ehipto; at iwawasiwas ang kanyang kamay sa Ilog ng kanyang nakakapasong hangin, at gagawing pitong daluyan, at gumawa ng daan upang makaraang naglalakad; at magkakaroon ng isang lansangan mula sa Asiria, para sa nalabi sa kanyang bayan, gaya ng nangyari sa Israel nang araw na sila'y umahon mula sa lupain ng Ehipto. At sa araw na iyon ay iyong sasabihin, "Ako'y magpapasalamat sa iyo, O PANGINOON, bagaman ikaw ay nagalit sa akin, ang iyong galit ay napawi, at iyong inaaliw ako. "Ang Diyos ay aking kaligtasan; ako'y magtitiwala, at hindi ako matatakot sapagkat ang PANGINOONG Diyos ay aking kalakasan at awit; at siya'y naging aking kaligtasan." Kaya't kayo'y iigib ng tubig na may kagalakan sa mga balon ng kaligtasan. At sa araw na iyon ay inyong sasabihin, "Magpasalamat kayo sa Panginoon, kayo'y tumawag sa kanyang pangalan, ipaalam ninyo ang kanyang mga gawa sa mga bansa, ipahayag ninyo na ang kanyang pangalan ay marangal. "Umawit kayo sa PANGINOON; sapagkat siya'y gumawang may kaluwalhatian, ipaalam ito sa buong lupa. Sumigaw ka at umawit nang malakas, ikaw na naninirahan sa Zion, sapagkat dakila ang Banal ng Israel na nasa gitna mo." Ang pahayag tungkol sa Babilonia na nakita ni Isaias na anak ni Amoz. Maglagay kayo ng isang hudyat sa bundok na walang tanim, sumigaw kayo nang malakas sa kanila, inyong senyasan ng kamay, upang sila'y magsipasok sa mga pintuang-bayan ng mga mahal na tao. Aking inutusan ang aking mga itinalaga, aking ipinatawag ang aking mga mandirigma, ang aking mga anak na nagsasayang may pagmamalaki, upang isagawa ang aking galit. Pakinggan ninyo ang ingay sa mga bundok, na gaya ng napakaraming tao! Pakinggan ninyo ang ingay ng mga kaharian, ng mga bansa na nagtitipon! Tinitipon ng PANGINOON ng mga hukbo ang hukbo para sa pakikipaglaban. Sila'y nagmumula sa malayong lupain, mula sa dulo ng kalangitan, ang PANGINOON at ang mga sandata ng kanyang galit, upang wasakin ang buong lupain. Manangis kayo, sapagkat ang araw ng PANGINOON ay malapit na; ito'y darating na gaya ng pagkawasak mula sa Makapangyarihan sa lahat! Kaya't lahat ng kamay ay manghihina, at bawat puso ng tao ay manlulumo, at sila'y mababalisa. Mga pagdaramdam at mga kapanglawan ang daranasin nila; sila'y maghihirap na gaya ng babaing nanganganak. Sila'y magtitinginan na nanghihilakbot ang kanilang mga mukha ay magliliyab. Tingnan ninyo, ang araw ng PANGINOON ay dumarating, mabagsik, na may poot at mabangis na galit; upang gawing wasak ang lupa, at upang lipulin mula roon ang mga makasalanan niyon. Sapagkat ang mga bituin ng langit at ang mga buntala nito, ay hindi magbibigay ng kanilang liwanag; ang araw ay magdidilim sa kanyang pagsikat, at hindi ibibigay ng buwan ang kanyang liwanag. Aking parurusahan ang sanlibutan dahil sa kanilang kasamaan, at ang masasama dahil sa kanilang kabuktutan; at aking patitigilin ang kahambugan ng palalo, at aking ibababa ang kapalaluan ng malulupit. Aking gagawin na mas bihira ang mga tao kaysa dalisay na ginto, at ang sangkatauhan kaysa ginto ng Ofir. Kaya't aking yayanigin ang kalangitan, at ang lupa ay yayanigin mula sa kanyang dako, sa poot ng PANGINOON ng mga hukbo, at sa araw ng kanyang mabangis na galit. At gaya ng isang usang hinahabol, o gaya ng mga tupa na walang magtitipon sa kanila, bawat tao ay babalik sa kanyang sariling bayan, at bawat isa ay tatakas patungo sa kanyang sariling lupain. Bawat matagpuan ay uulusin, at bawat nahuli ay mabubuwal sa tabak. Ang kanilang mga sanggol ay pagluluray-lurayin sa harapan ng kanilang mga mata; ang kanilang mga bahay ay pagnanakawan, at ang kanilang mga asawa ay gagahasain. Tingnan ninyo, aking kinikilos ang mga taga-Media laban sa kanila, na hindi nagpapahalaga sa pilak, at hindi nalulugod sa ginto. Papatayin ng kanilang mga pana ang mga binata; at sila'y hindi maaawa sa bunga ng bahay-bata; ang kanilang mata ay hindi mahahabag sa mga bata. At ang Babilonia, ang kaluwalhatian ng mga kaharian, ang kariktan at ipinagmamalaki ng mga Caldeo, ay magiging gaya ng Sodoma at Gomorra kapag ibinagsak sila ng Diyos. Hindi ito matitirahan kailanman, ni matitirahan sa lahat ng mga salinlahi, ni magtatayo roon ng tolda ang taga-Arabia, ni pahihigain doon ng mga pastol ang kanilang kawan. Kundi maiilap na hayop sa ilang ang magsisihiga roon, at ang kanilang mga bahay ay mapupuno ng mga hayop na nagsisiungal; at mga avestruz ay maninirahan doon, at ang mga demonyong kambing ay magsasayaw doon. At ang mga asong-gubat ay magsisihiyaw sa kanilang mga muog, at ang mga chakal sa magagandang palasyo; at ang kanilang panahon ay malapit nang sumapit, at ang kanilang mga araw ay hindi pahahabain. Ang PANGINOON ay maaawa sa Jacob, at muling pipiliin ang Israel, at ilalagay sila sa kanilang sariling lupain. Ang dayuhan ay makikisama sa kanila, at sila'y mapapasama sa sambahayan ni Jacob. At kukunin sila ng mga tao, at dadalhin sila sa kanilang dako; at aariin sila ng sambahayan ng Israel sa lupain ng PANGINOON bilang mga aliping lalaki at babae. Kanilang bibihagin sila na bumihag sa kanila at mamumuno sa kanila na umapi sa kanila. Kapag bibigyan ka na ng PANGINOON ng kapahingahan mula sa iyong kahirapan, kabagabagan, at sa mabigat na paglilingkod na ipinapaglingkod mo, ay iyong dadalhin ang pagkutyang ito laban sa hari ng Babilonia: "Huminto na ang pang-aapi! Huminto na ang matinding kalapastanganan! Binali ng PANGINOON ang tungkod ng masama, ang setro ng mga pinuno; na nagpahirap sa mga tao sa pamamagitan ng poot ng walang tigil na bugbog, na namuno sa mga bansa sa galit, na may walang tigil na pag-uusig. Ang buong lupa ay tiwasay at tahimik; sila'y biglang nagsisiawit. Ang mga puno ng sipres ay nagagalak dahil sa iyo, at ang mga sedro sa Lebanon, na nagsasabi, 'Mula nang ikaw ay ibagsak, wala nang mamumutol na umaahon laban sa amin.' Ang Sheol sa ibaba ay kinilos upang salubungin ka sa iyong pagdating; pinupukaw nito ang mga lilim upang batiin ka, ang lahat na mga pinuno ng lupa; itinatayo nito mula sa kanilang mga trono, ang lahat na hari ng mga bansa. Silang lahat ay magsasalita at magsasabi sa iyo: 'Pati ba ikaw ay naging mahinang gaya namin? Ikaw ba'y naging gaya namin?' Ang iyong kahambugan ay ibinaba sa Sheol pati na ang tunog ng iyong mga alpa; ang uod ay higaan sa ilalim mo, at ang mga uod ang iyong pantakip. "Ano't nahulog ka mula sa langit, O Tala sa Umaga, anak ng Umaga! Paanong ikaw ay lumagpak sa lupa, ikaw na siyang nagpabagsak sa mga bansa! Sinabi mo sa iyong puso, 'Ako'y aakyat sa langit; sa itaas ng mga bituin ng Diyos aking itatatag ang aking trono sa itaas; ako'y uupo sa bundok na pinagtitipunan, sa malayong hilaga. Ako'y aakyat sa itaas ng mga kaitaasan ng mga ulap, gagawin ko ang aking sarili na gaya ng Kataas-taasan.' Gayunma'y ibinaba ka sa Sheol, sa mga pinakamalalim na bahagi ng Hukay. Silang nakakakita sa iyo ay magsisititig sa iyo, at mag-iisip tungkol sa iyo: 'Ito ba ang lalaki na nagpayanig ng lupa, na nagpauga ng mga kaharian; na ginawang gaya ng ilang ang sanlibutan, at gumiba ng mga bayan nito; na hindi nagpahintulot sa kanyang mga bilanggo upang magsiuwi?' Lahat ng mga hari ng mga bansa ay nahihiga sa kaluwalhatian, bawat isa'y sa kanyang sariling libingan. Ngunit ikaw ay itinapon papalayo sa iyong libingan na gaya ng kasuklamsuklam na sanga, binihisang kasama ng mga patay, ang mga tinaga ng tabak, na bumaba sa mga bato ng Hukay, gaya ng bangkay na nayapakan ng paa. Ikaw ay hindi mapapasama sa kanila sa libingan, sapagkat sinira mo ang iyong lupain, pinatay mo ang iyong bayan. "Ang angkan nawa ng mga gumagawa ng kasamaan ay huwag nang tawagin magpakailanman! Maghanda kayong patayin ang kanilang mga anak dahil sa kasamaan ng kanilang mga magulang; baka sila'y magsibangon at angkinin ang lupain, at punuin ng mga lunsod ang ibabaw ng lupa." "At ako'y babangon laban sa kanila," sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, "at tatanggalin ko sa Babilonia ang pangalan at ang nalabi, at ang anak at ang anak ng anak," sabi ng PANGINOON. "Iyon ay aking gagawing ari-arian ng hayop na erizo, at mga lawa ng tubig, at aking papalisin ng walis ng pagkawasak, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo." Ang PANGINOON ng mga hukbo ay sumumpa: "Gaya ng aking binalak, gayon ang mangyayari; at gaya ng aking pinanukala, gayon ang mananatili. Aking lalansagin ang taga-Asiria sa aking lupain, at sa aking mga bundok ay yayapakan ko siya sa ilalim ng paa; kung magkagayo'y maaalis ang kanyang pamatok sa kanila, at ang ipinasan niya sa kanilang balikat." Ito ang panukala na ipinanukala tungkol sa buong lupa; at ito ang kamay na iniunat sa lahat ng mga bansa. Sapagkat pinanukala ng PANGINOON ng mga hukbo, at sinong magpapawalangbisa nito? Ang kanyang kamay ay nakaunat, at sinong mag-uurong nito? Dumating ang pahayag na ito nang taong mamatay si Haring Ahaz. "Ikaw ay huwag magalak, O Filistia, kayong lahat, sa pagkabali ng pamalo na sumakit sa iyo; sapagkat sa ahas ay lalabas ang ulupong, at ang kanyang anak ay magiging mabangis na ahas na lumilipad. At ang panganay ng dukha ay kakain, at ang nangangailangan ay nahihigang tiwasay; ngunit aking papatayin ng taggutom ang iyong ugat, at ang nalabi sa iyo ay aking papatayin. Ikaw ay tumaghoy, O pintuan, ikaw ay sumigaw, O lunsod; matunaw ka sa takot, O Filistia, kayong lahat! Sapagkat lumalabas ang usok mula sa hilaga, at walang pagala-gala sa kanyang mga kasamahan." Ano nga ang isasagot sa mga sugo ng bansa? "Itinayo ng PANGINOON ang Zion, at sa kanya ay nanganganlong ang nagdadalamhati sa kanyang bayan." Ang pahayag tungkol sa Moab. Sapagkat sa loob ng isang gabi ang Ar ng Moab ay nagiba, ang Moab ay wala na; sapagkat sa loob ng isang gabi ay nagiba ang Kir ng Moab, ang Moab ay wala na. Ang anak na babae ng Dibon ay umahon sa matataas na dako upang umiyak; tinatangisan ng Moab ang Nebo at Medeba. Ang lahat ng ulo ay kalbo, bawat balbas ay ahit. Sa kanilang mga lansangan ay nagbibigkis sila ng damit-sako, sa mga bubungan at sa mga liwasan, tumatangis ang bawat isa at natutunaw sa pag-iyak. Ang Hesbon, at ang Eleale ay sumisigaw ang kanilang tinig ay naririnig hanggang sa Jahaz. Kaya't ang mga lalaking may sandata sa Moab ay sumigaw nang malakas; ang kanyang kaluluwa ay nanginginig. Ang aking puso ay dumadaing para sa Moab; ang kanyang mga tao ay nagsisitakas sa Zoar, sa Eglat-shelishiya. Sapagkat sa ahunan sa Luhith ay umaahon silang nag-iiyakan; sa daan patungong Horonaim ay humahagulhol sila sa kapahamakan. Ang mga tubig ng Nimrim ay natuyo, ang damo ay natuyo, ang sariwang damo ay nalalanta, walang sariwang bagay. Kaya't ang kasaganaan na kanilang tinamo, at ang kanilang tinipon ay kanilang dinala sa Sapa ng Sauce. Sapagkat ang daing ay nakarating sa paligid ng lupain ng Moab; ang pagtangis ay nakakarating hanggang sa Eglaim, ang pagtangis ay nakakarating hanggang sa Beer-elim. Sapagkat ang mga tubig ng Dimon ay puno ng dugo, gayunma'y magpapadala pa ako sa Dimon ng higit pa, isang leon para sa nakatakas sa Moab, para sa nalabi sa lupain. Nagpadala sila ng mga kordero sa pinuno ng lupain, mula sa Sela, sa daan ng ilang, hanggang sa bundok ng anak na babae ng Zion. Sapagkat gaya ng kalat na pugad, ng mga nagsisigalang ibon, gayon ang mga anak na babae ng Moab sa mga tawiran ng Arnon. "Magpayo ka, magbigay ka ng katarungan, gawin mo ang iyong lilim na gaya ng gabi sa gitna ng katanghaliang-tapat; ikubli mo ang mga itinapon, huwag mong ipagkanulo ang takas. Patirahin mong kasama mo ang itinapon mula sa Moab, maging kanlungan ka niya mula sa mangwawasak. Kapag wala nang mang-aapi, at huminto na ang pagkawasak, at ang yumayapak sa ilalim ng paa ay wala na sa lupain, kung magkagayo'y matatatag ang trono sa tapat na pag-ibig, at uupo roon sa katapatan, sa tabernakulo ni David ang isa na humahatol at humahanap ng katarungan, at mabilis na nagsasagawa ng katuwiran." Aming nabalitaan ang pagyayabang ng Moab, na siya'y totoong mapagmataas; ang kanyang kahambugan, at ang kanyang kapalaluan, at ang kanyang poot — ang kanyang paghahambog ay huwad. Kaya't hayaang tumangis ang Moab, bawat isa'y tumangis para sa Moab. Manangis kayong lubha dahil sa mga tinapay na pasas ng Kir-hareseth. Sapagkat ang mga bukid ng Hesbon ay nanghihina, at ang ubasan ng Sibma; sinira ng mga panginoon ng mga bansa ang mga piling pananim niyon; na nakarating hanggang sa Jazer, at sa ilang ay lumaboy; ang kanyang mga sanga ay kumalat, at nagsitawid sa dagat. Kaya't iiyak ako ng iyak ng Jazer dahil sa puno ng ubas ng Sibma; didiligin kita ng aking mga luha, O Hesbon at Eleale; sapagkat ang sigawan sa iyong bunga at sa iyong pag-aani ay nahinto. At ang kasayahan at kagalakan ay inalis mula sa mabungang lupain, at sa mga ubasan ay hindi inawit ang mga awitin, walang ginawang mga pagsigaw, walang manyayapak na gumagawa ng alak sa pisaan; aking pinatigil ang awitan sa pag-aani. Kaya't ang aking kaluluwa ay tumataghoy na parang alpa para sa Moab, at ang aking puso para sa Kir-heres. At kapag ang Moab ay humarap, kapag siya'y pagod na sa mataas na dako, kapag siya'y pumaroon sa kanyang santuwaryo upang manalangin, ay hindi siya mananaig. Ito ang salita na sinabi ng PANGINOON tungkol sa Moab noong nakaraan. Ngunit ngayo'y nagsalita ang PANGINOON, na nagsasabi, "Sa loob ng tatlong taon, na gaya ng mga taon ng isang upahan, ay mawawalang kabuluhan ang kaluwalhatian ng Moab, sampu ng lahat niyang karamihan; at ang mga nalabi ay magiging kakaunti at mahihina." Isang pahayag tungkol sa Damasco. Narito, ang Damasco ay hindi na magiging lunsod, at magiging isang buntong sira. Ang mga lunsod ng Aroer ay napapabayaan; iyon ay magiging para sa mga kawan, na hihiga, at walang mananakit sa kanila. Ang kuta ay mawawala sa Efraim, at ang kaharian sa Damasco; at ang nalabi sa Siria ay magiging gaya ng kaluwalhatian ng mga anak ni Israel, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo. Sa araw na iyon, ang kaluwalhatian ng Jacob ay ibababa, at ang katabaan ng kanyang laman ay mangangayayat. At ito'y maging gaya nang kapag tinitipon ng mang-aani ang nakatayong trigo, at ginagapas ng kanyang kamay ang mga uhay; oo, magiging gaya ng pamumulot ng mga uhay sa Libis ng Refaim. Gayunma'y maiiwan doon ang mga pinulot, gaya ng kapag niyugyog ang puno ng olibo — na dalawa o tatlong bunga ay naiiwan sa dulo ng kataas-taasang sanga, apat o lima sa mga sanga ng mabungang punungkahoy, sabi ng PANGINOONG Diyos ng Israel. Sa araw na iyon ay pahahalagahan ng mga tao ang Maylalang sa kanila, ang kanilang mga mata ay titingin sa Banal ng Israel. Hindi nila pahahalagahan ang mga dambana, na gawa ng kanilang mga kamay, at hindi sila titingin sa ginawa ng kanilang mga daliri, maging sa mga sagradong poste, o sa mga altar ng insenso. Sa araw na iyon, ang kanilang matitibay na lunsod ay magiging gaya ng mga dakong pinabayaan sa gubat, at sa taluktok ng bundok, na pinabayaan dahil sa mga anak ni Israel; at magiging wasak. Sapagkat kinalimutan mo ang Diyos ng iyong kaligtasan, at hindi mo inalala ang Malaking Bato ng iyong kanlungan. Kaya't bagaman nagtatanim ka ng mabubuting pananim, at naglagay ka ng ibang sangang pananim. Bagaman sa araw ng iyong pagtatanim ay iyong inalagaan, at pinamumulaklak mo ang mga iyon sa kinaumagahan, gayunma'y mawawala ang ani sa araw ng kalungkutan at walang lunas na hapdi. Ah, ang ingay ng maraming bansa, na umuugong na gaya ng ugong ng mga dagat; Ah, ang ingay ng mga bansa, na nagsisiugong na parang ugong ng bugso ng malakas na mga tubig! Ang mga bansa ay umuugong na parang agos ng maraming tubig, ngunit sila'y sasawayin niya, at sila'y magsisitakas sa malayo, at papaspasin na gaya ng ipa sa mga bundok sa harap ng hangin, at gaya ng ipu-ipong alabok sa harap ng bagyo. Sa gabi, ay narito ang nakakatakot! At bago dumating ang umaga, ay wala na sila! Ito ang bahagi nila na nagsisisamsam sa atin, at ang kapalaran nila na nagnakaw sa atin. Ah, ang lupain ng pakpak na pumapagaspas, na nasa kabila ng mga ilog ng Etiopia; na nagpapadala ng mga sugo sa gilid ng Nilo, sa mga sasakyang-papiro sa ibabaw ng karagatan! Humayo kayo, maliliksing sugo, sa bansang mataas at patag, sa bayang kinatatakutan sa malayo at malapit; isang bansang makapangyarihan at nananakop, na ang lupain ay hinahati ng mga ilog! Kayong lahat na nananahan sa sanlibutan, at kayong mga naninirahan sa lupa, kapag ang isang hudyat ay itinaas sa mga bundok, ay inyong tingnan! Kapag ang trumpeta ay hinipan, makinig kayo! Sapagkat ganito ang sinabi ng PANGINOON sa akin, "Ako'y tahimik na titingin mula sa aking tinitirhan, gaya ng malinaw na init sa sikat ng araw, gaya ng ulap na hamog sa init ng pag-aani." Sapagkat bago mag-ani, kapag ang pamumulaklak ay tapos na, at ang bulaklak ay nagiging ubas na nahihinog, kanyang puputulin ng karit na pangkapon ang mga usbong, at ang nakaladlad na mga sanga ay kanyang puputulin. Ang mga iyon ay pawang maiiwan sa mga ibong mandaragit sa mga bundok, at sa mga hayop sa lupa. At kakainin ang mga iyon ng mga ibong mandaragit sa panahon ng tag-init, at kakainin ang mga iyon ng lahat na hayop sa lupa sa taglamig. Sa panahong iyon ay dadalhin ang mga kaloob sa PANGINOON ng mga hukbo ng mga taong matataas at makikisig, at mula sa bayang kinatatakutan sa malapit at malayo; isang bansang makapangyarihan at nananakop, na ang lupain ay hinahati ng mga ilog, sa Bundok ng Zion, sa dako ng pangalan ng PANGINOON ng mga hukbo. Isang pahayag tungkol sa Ehipto. Tingnan ninyo, ang PANGINOON ay nakasakay sa isang matuling ulap, at patungo sa Ehipto, at ang mga diyus-diyosan ng Ehipto ay manginginig sa kanyang harapan, at ang puso ng Ehipto ay manlulumo sa gitna niyon. Aking kikilusin ang mga Ehipcio laban sa mga Ehipcio; at sila'y maglalaban, bawat tao laban sa kanyang kapatid, at bawat tao laban sa kanyang kapwa, lunsod laban sa lunsod, at kaharian laban sa kaharian. Ang diwa ng mga Ehipcio ay mauubos sa gitna niyon; at aking guguluhin ang kanilang mga panukala; at sasangguni sila sa mga diyus-diyosan, at sa mga engkantador, at sa mga sumasangguni sa masamang espiritu, at sa mga manghuhula. Aking ibibigay ang mga Ehipcio sa kamay ng mabagsik na panginoon; at mabangis na hari ang maghahari sa kanila, sabi ng Panginoon, ng PANGINOON ng mga hukbo. Ang tubig ng Nilo ay matutuyo, at ang ilog ay mawawalan ng tubig at matutuyo. Ang mga ilog ay babaho; ang mga batis ng Ehipto ay huhupa at matutuyo, ang mga tambo at mga talahib ay matutuyo. Magkakaroon ng mga walang tanim na dako sa pampang ng Nilo, sa baybayin ng Nilo, at lahat ng inihasik sa tabi ng Nilo ay matutuyo, matatangay, at mawawala. Ang mga mangingisda ay tatangis, lahat ng naglalawit ng bingwit sa Nilo ay tatangis, at manghihina silang naglaladlad ng mga lambat sa tubig. Ang mga gumagawa ng tela ay mawawalan ng pag-asa, at ang humahabi ng puting damit ay manghihina. Ang mga haligi ng lupain ay madudurog, at ang lahat na nagpapaupa ay nagdadalamhati. Ang mga pinuno ng Zoan ay lubos na hangal; ang matatalinong tagapayo ni Faraon ay nagbibigay ng payong hangal. Paanong masasabi ninyo kay Faraon, "Ako'y anak ng pantas, anak ng mga dating hari?" Saan ngayon naroon ang iyong mga pantas? Sasabihin nga nila sa iyo ngayon at ipaalam nila kung ano ang pinanukala ng PANGINOON ng mga hukbo laban sa Ehipto. Ang mga pinuno ng Zoan ay naging mga hangal, ang mga pinuno ng Memfis ay dinaya, sila na panulok na bato ng kanyang mga lipi ang nagligaw sa Ehipto. Inihalo ng PANGINOON sa kanya ang espiritu ng pagkalito; at iniligaw nila sa bawat gawa niya ang Ehipto, pasuray-suray sa kanyang pagsusuka gaya ng lasing na tao. Hindi na magkakaroon ng anuman para sa Ehipto na magagawa ng ulo o ng buntot, sanga ng palma, o tambo. Sa araw na iyon ay magiging parang mga babae ang mga Ehipcio, at manginginig sa takot sa harapan ng kamay ng PANGINOON ng mga hukbo na kanyang itinataas laban sa kanila. At ang lupain ng Juda ay magiging kakilabutan sa Ehipto; kaninuman mabanggit iyon ay matatakot, dahil sa panukala ng PANGINOON ng mga hukbo, na ipinanukala laban doon. Sa araw na iyon ay magkakaroon ng limang bayan sa lupain ng Ehipto na magsasalita ng wika ng Canaan, at magsisisumpa ng katapatan sa PANGINOON ng mga hukbo. Ang isa roo'y tatawaging 'Lunsod ng Araw.' Sa araw na iyon ay magkakaroon ng isang dambana sa PANGINOON sa gitna ng lupain ng Ehipto, at isang haligi sa PANGINOON sa hangganan niyon. Iyon ay magiging tanda at saksi sa PANGINOON ng mga hukbo sa lupain ng Ehipto. Kapag sila'y dumaing sa PANGINOON dahil sa mga mang-aapi, magsusugo siya sa kanila ng isang tagapagligtas, at kanyang ipagtatanggol at ililigtas sila. At ipapakilala ng PANGINOON ang kanyang sarili sa Ehipto, at makikilala ng mga Ehipcio ang PANGINOON sa araw na iyon at sila'y magsisisamba na may alay at handog na sinusunog. At sila'y gagawa ng panata sa PANGINOON at tutuparin ang mga iyon. At sasaktan ng PANGINOON ang Ehipto, sinasaktan at pinagagaling, at sila'y manunumbalik sa PANGINOON, at kanyang papakinggan ang kanilang mga daing at pagagalingin sila. Sa araw na iyon ay magkakaroon ng lansangan mula sa Ehipto hanggang sa Asiria, at ang mga taga-Asiria ay magsisipasok sa Ehipto, at ang mga Ehipcio ay sa Asiria, at ang mga Ehipcio ay magsisisambang kasama ng mga taga-Asiria. Sa araw na iyon ay magiging pangatlo ang Israel sa Ehipto at sa Asiria, isang pagpapala sa gitna ng lupain, na pinagpala ng PANGINOON ng mga hukbo, na sinasabi, "Pagpalain ang bayan kong Ehipto, at ang Asiria na gawa ng aking mga kamay, at ang Israel na aking mana." Nang taong dumating ang punong kawal sa Asdod, na isinugo ni Sargon na hari ng Asiria, at siya'y nakipaglaban doon at nasakop iyon, nang panahong iyon ay nagsalita ang PANGINOON sa pamamagitan ni Isaias na anak ni Amoz, na sinasabi, "Ikaw ay humayo, at kalagin mo ang damit-sako sa iyong mga balakang, at hubarin mo ang sapin sa iyong paa." At ginawa niyang gayon at lumakad na hubad at yapak. At sinabi ng PANGINOON, "Kung paanong ang aking lingkod na si Isaias ay lumakad na hubad at yapak sa loob ng tatlong taon bilang tanda at babala sa Ehipto at Etiopia, gayon ilalayo ng hari ng Asiria ang mga bihag na Ehipcio at taga-Etiopia, bata at matanda, hubad at yapak, at may mga piging nakalitaw, sa ikapapahiya ng Ehipto. Sila'y manlulupaypay at malilito, dahil sa Etiopia na kanilang pag-asa at sa Ehipto na kanilang ipinagmamalaki. At ang naninirahan sa baybaying ito ay magsasabi sa araw na iyon, 'Narito, ito ang nangyari doon sa aming inaasahan at aming tinakbuhan upang hingan ng tulong upang makalaya sa hari sa Asiria! At kami, paano kami makakatakas?'" Ang pahayag tungkol sa ilang ng karagatan. Kung paanong dumaan ang mga ipu-ipo sa Negeb ito'y nagmumula sa ilang mula sa isang kakilakilabot na lupain. Isang matinding pangitain ang ipinahayag sa akin; ang magnanakaw ay nagnanakaw, at ang mangwawasak ay nangwawasak. Umahon ka, O Elam; kumubkob ka, O Media; lahat ng buntong-hininga na nilikha niya'y aking pinatigil na. Kaya't ang aking mga balakang ay puno ng kahirapan; puno ako ng paghihirap, gaya ng mga hirap ng babae sa panganganak, ako'y nakayuko na anupa't hindi ako makarinig; ako'y nanlulumo na anupa't hindi ako makakita. Ang aking isipan ay umiikot, ang pagkasindak ay nakabigla sa akin; ang pagtatakipsilim na aking kinasabikan ay nagpanginig sa akin. Sila'y naghanda ng hapag-kainan, iniladlad nila ang alpombra, sila'y nagsisikain, sila'y nagsisiinom. Magsitindig kayong mga pinuno, langisan ninyo ang kalasag! Sapagkat ganito ang sinabi ng PANGINOON sa akin, "Ikaw ay humayo, maglagay ka ng bantay; ipahayag niya kung ano ang nakikita niya. Kapag siya'y nakakita ng mga nakasakay, mga mangangabayo na dala-dalawa, nakasakay sa mga asno, nakasakay sa mga kamelyo, makinig siyang masikap, ng buong sikap." At siya na nakakita ay sumigaw: "O Panginoon, ako'y nakatayo sa muog, patuloy kapag araw, at ako'y nakatanod sa aking bantayan nang buong magdamag. Tingnan mo, dumarating ang mga mangangabayo, mga mangangabayong dalawa-dalawa!" At siya'y sumagot at nagsabi, "Bumagsak, bumagsak ang Babilonia; at lahat na larawang inanyuan ng kanyang mga diyos ay nagkadurug-durog sa lupa." O ikaw na aking giniik, at trigo ng aking giikan, ang aking narinig sa PANGINOON ng mga hukbo, sa Diyos ng Israel, ang aking ipinahayag sa iyo. Ang pahayag tungkol sa Duma. May tumatawag sa akin mula sa Seir, "Bantay, gaano pa katagal ang gabi? Bantay, gaano pa katagal ang gabi?" Sinabi ng bantay, "Ang umaga ay dumarating, at gayundin ang gabi. Kung kayo'y mag-uusisa, mag-usisa kayo; muli kayong bumalik." Ang pahayag tungkol sa Arabia. Sa gubat ng Arabia ay tumigil kayo, O kayong naglalakbay na mga Dedaneo. Sa nauuhaw ay magdala kayo ng tubig, salubungin ng tinapay ang takas, O mga naninirahan sa lupain ng Tema. Sapagkat sila'y tumakas mula sa mga tabak, mula sa binunot na tabak, mula sa busog na nakaakma, at mula sa matinding digmaan. Sapagkat ganito ang sinabi ng Panginoon sa akin, "Sa loob ng isang taon, ayon sa mga taon ng magpapaupa, ang lahat ng kaluwalhatian ng Kedar ay magwawakas; at ang nalalabi sa mga mamamana, sa mga makapangyarihang lalaki na mga anak ni Kedar ay magiging iilan, sapagkat ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel, ay siyang nagsalita." Ang pahayag tungkol sa libis ng pangitain. Anong ibig mong sabihin na ikaw ay umakyat, kayong lahat, sa mga bubungan? O ikaw na puno ng mga sigawan, magulong lunsod, masayang bayan? Ang iyong mga patay ay hindi napatay ng tabak, o namatay man sa pakikipaglaban. Lahat mong pinuno ay nagsitakas na magkakasama, sila'y nahuli bagaman di ginamitan ng busog. Kayong lahat na natagpuan ay nahuli, bagaman sila'y nakatakas sa malayo. Kaya't sinabi ko, "Huwag kayong tumingin sa akin, hayaan ninyong ako'y umiyak na may kapaitan; huwag ninyong sikaping bigyan ako ng kaaliwan, ng dahil sa pagkawasak sa anak na babae ng aking bayan." Sapagkat ang Panginoong DIYOS ng mga hukbo ay may isang araw ng pagkakagulo at pagyapak, ng pagkalito, sa libis ng pangitain; pagkabagsak ng mga pader at pagsigaw sa mga bundok. Ang Elam ay may dalang lalagyan ng pana, may mga karwahe at mga mangangabayo; at inalisan ng balot ng Kir ang kalasag. Ang iyong mga piling libis ay puno ng mga karwahe, at ang mga mangangabayo ay nakahanay sa mga pintuan. At kanyang inalis ang takip ng Juda. Sa araw na iyon ay tumingin ka sa mga sandata sa Bahay ng Gubat. Inyong nakita na maraming butas ang lunsod ni David, at inyong tinipon ang tubig ng mababang tipunan ng tubig. At inyong binilang ang mga bahay ng Jerusalem, at inyong giniba ang mga bahay upang patibayin ang kuta. Kayo'y gumawa ng tipunang tubig sa pagitan ng dalawang pader para sa tubig ng dating tipunan. Ngunit hindi ninyo tiningnan ang gumawa nito, o pinahalagahan man siya na nagplano nito noon pa. Nang araw na iyon ay tumawag ang Panginoong DIYOS ng mga hukbo, sa pag-iyak, sa pagtangis, sa pagkakalbo, at sa pagbibigkis ng damit-sako. Sa halip ay nagkaroon ng kagalakan at kasayahan, pagpatay ng mga baka at pagpatay ng mga tupa, pagkain ng karne, at pag-inom ng alak. "Tayo'y kumain at uminom, sapagkat bukas tayo ay mamamatay." Ipinahayag ng PANGINOON ng mga hukbo ang kanyang sarili sa aking mga pandinig: "Tunay na ang kasamaang ito ay hindi ipatatawad sa inyo hanggang sa kayo'y mamatay," sabi ng Panginoong DIYOS ng mga hukbo. Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS ng mga hukbo, "Ikaw ay humayo, pumaroon ka sa katiwalang ito, sa Sebna, na siyang katiwala sa bahay, at iyong sabihin sa kanya: Anong karapatan mo rito? Sinong mga kamag-anak mo rito at gumawa ka rito ng isang libingan para sa iyo? Gumagawa ka ng libingan sa itaas, at umuukit ka ng tahanan para sa iyong sarili sa malaking bato! Ibabagsak kang bigla ng PANGINOON, ikaw na malakas na tao. Hahawakan ka niya ng mahigpit. Paiikutin ka niya nang paiikutin, at itatapon ka na parang bola sa malaking lupain. Doon ka mamamatay, at doon malalagay ang iyong magagarang mga karwahe, ikaw na kahihiyan ng sambahayan ng iyong panginoon. At aalisin kita sa iyong katungkulan, at sa iyong kinaroroonan ay ibubuwal ka. Sa araw na iyon ay aking tatawagin ang aking lingkod na si Eliakim na anak ni Hilkias, at aking susuotan siya ng iyong balabal, at ibibigkis sa kanya ang iyong pamigkis, at aking ipagkakatiwala ang iyong kapangyarman sa kanyang kamay; at siya'y magiging ama sa mga naninirahan sa Jerusalem at sa sambahayan ni Juda. Ang katungkulan sa sambahayan ni David ay iaatang ko sa kanyang balikat; at siya'y magbubukas, at walang makapagsasara; at siya'y magsasara, at walang makapagbubukas. At aking ikakapit siya na parang tulos sa isang matibay na dako; at siya'y magiging trono ng karangalan sa sambahayan ng kanyang magulang. Kanilang ibibitin sa kanya ang buong bigat ng sambahayan ng kanyang magulang, ang mga anak at ang angkan, bawat maliit na sisidlan, mula sa mga tasa hanggang sa mga malalaking sisidlan. Sa araw na iyon, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, matatanggal ang tulos na ikinabit sa matibay na dako. Ito'y puputulin at mahuhulog, at ang pasan na nasa ibabaw niyon ay maglalaho, sapagkat sinabi ng PANGINOON." Ang pahayag tungkol sa Tiro. Tumaghoy kayo, kayong mga sasakyang-dagat ng Tarsis; sapagkat sira ang Tiro, walang bahay o kanlungan! Mula sa lupain ng Cyprus ay inihayag ito sa kanila. Tumahimik kayo, kayong mga naninirahan sa baybayin; O mga mangangalakal ng Sidon, ang iyong mga sugo ay nagdaraan sa uagat, at nasa baybayin ng malawak na mga tubig, ang iyong kinita ay ang binhi ng Sihor, ang ani ng Nilo, ikaw ang mangangalakal ng mga bansa. Mahiya ka, O Sidon, sapagkat nagsalita ang dagat, ang tanggulan ng dagat, na nagsasabi, "Hindi ako nagdamdam, o nanganak man, o nag-alaga man ako ng mga binata, o nagpalaki ng mga dalaga." Kapag ang balita ay dumating sa Ehipto, magdadalamhati sila dahil sa balita tungkol sa Tiro. Dumaan kayo sa Tarsis, umiyak kayo, kayong mga naninirahan sa baybayin! Ito ba ang inyong masayang lunsod, na mula pa noong unang araw ang pinagmulan, na dinadala ng kanyang mga paa upang sa malayo ay manirahan? Sinong nagpanukala nito laban sa Tiro na siyang nagkakaloob ng mga korona, na ang mga negosyante ay mga pinuno, na ang mga mangangalakal ay mararangal sa lupa. Pinanukala ito ng PANGINOON ng mga hukbo, upang hamakin ang kapalaluan ng buong kaluwalhatian, upang hiyain ang lahat na mararangal sa lupa. Apawan mo ang iyong lupain na gaya ng Nilo, O anak na babae ng Tarsis; wala nang pampigil. Kanyang iniunat ang kanyang kamay sa karagatan, kanyang niyanig ang mga kaharian. Ang PANGINOON ay nag-utos tungkol sa Canaan, upang gibain ang mga tanggulan. At kanyang sinabi, "Ikaw ay hindi na magagalak pa, O ikaw na aping anak na birhen ng Sidon; bumangon ka, magdaan ka sa Chittim, doon ma'y hindi ka magkakaroon ng kapahingahan." Tingnan mo ang lupain ng mga Caldeo! Ito ay ang bayan; hindi ito ang Asiria. Itinalaga nila ang Tiro para sa maiilap na hayop. Kanilang itinayo ang kanilang mga muog, giniba nila ang kanyang mga palasyo, kanyang ginawa siyang isang guho. Tumangis kayo, kayong mga sasakyang-dagat ng Tarsis, sapagkat ang inyong tanggulan ay giba. At sa araw na iyon ang Tiro ay malilimutan sa loob ng pitumpung taon, gaya ng mga araw ng isang hari. Pagkatapos ng pitumpung taon ay mangyayari sa Tiro ang gaya sa awit ng masamang babae:' "Kumuha ka ng alpa, lumibot ka sa lunsod, ikaw na masamang babaing nalimutan! Gumawa ka ng matamis na himig, umawit ka ng maraming awit, upang ikaw ay maalala." Sa katapusan ng pitumpung taon, dadalawin ng PANGINOON ang Tiro, at siya'y babalik sa kanyang pangangalakal, at magiging masamang babae sa lahat ng kaharian ng sanlibutan sa ibabaw ng lupa. At ang kanyang kalakal at ang kanyang upa ay itatalaga sa PANGINOON. Hindi ito itatago o iimbakin man, kundi ang kanyang paninda ay magbibigay ng saganang pagkain at magarang pananamit para sa mga namumuhay na kasama ng PANGINOON. Gigibain ng PANGINOON ang lupa at ito'y sisirain, at pipilipitin niya ang ibabaw nito at ang mga naninirahan doon ay pangangalatin. At kung paano sa mga tao, gayon sa pari; kung paano sa alipin, gayon sa kanyang panginoon; kung paano sa alilang babae, gayon sa kanyang panginoong babae; kung paano sa mamimili, gayon sa nagbibili; kung paano sa nagpapahiram, gayon sa manghihiram; kung paano sa nagpapautang, gayon sa mangungutang. Lubos na mawawalan ng laman ang lupa, at lubos na masisira; sapagkat ang salitang ito ay sa PANGINOON mula. Ang lupa ay tumatangis at natutuyo, ang sanlibutan ay nanghihina at natutuyo, ang mapagmataas na bayan sa lupa ay lilipas. Ang lupa ay nadumihan ng mga doo'y naninirahan, sapagkat kanilang sinuway ang kautusan, nilabag ang tuntunin, sinira ang walang hanggang tipan. Kaya't nilamon ng sumpa ang lupa, at silang naninirahan doon ay nagdurusa dahil sa kanilang pagkakasala, kaya't nasunog ang mga naninirahan sa lupa, at kakaunting tao ang nalabi. Ang alak ay tumatangis, ang puno ng ubas ay nalalanta, lahat ng masayang puso ay nagbubuntong-hininga. Ang saya ng mga alpa ay tumigil, ang ingay nila na nagagalak ay nagwakas, ang galak ng lira ay huminto. Sila'y hindi magsisiinom ng alak na may awitan; ang matapang na alak ay nagiging mapait sa kanila na nagsisiinom niyon. Ang lunsod na magulo ay bumagsak. Bawat bahay ay nasarhan, upang walang taong makapasok doon. May sigawan sa mga lansangan dahil sa kakulangan sa alak; lahat ng kagalakan ay natapos na, sa lupa ay nawala ang kasayahan. Naiwan sa lunsod ang pagkawasak, at ang pintuan ay winasak. Sapagkat ganito ang mangyayari sa lupa sa gitna ng mga bansa, kapag inuga ang isang punong olibo, gaya ng pamumulot ng ubas pagkatapos ng pag-aani. Inilakas nila ang kanilang mga tinig, sila'y umawit sa kagalakan, dahil sa kadakilaan ng PANGINOON ay sumigaw sila mula sa kanluran. Kaya't mula sa silangan ay luwalhatiin ninyo ang PANGINOON; sa mga pulo ng dagat, ang pangalan ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel. Mula sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa ay nakarinig kami ng mga awit ng papuri, ng kaluwalhatian sa Matuwid. Ngunit aking sinabi, "Nanghihina ako, nanghihina ako, kahabag-habag ako! Sapagkat ang mga taksil ay gumagawa ng kataksilan. Ang mga taksil ay gumagawang may lubhang kataksilan." Ang takot, ang hukay, at ang bitag ay nasa iyo, O naninirahan sa lupa. Siyang tumatakas sa tunog ng pagkasindak ay mahuhulog sa hukay; at siyang umaakyat mula sa hukay ay mahuhuli sa bitag. Sapagkat ang mga bintana ng langit ay nakabukas, at ang mga pundasyon ng lupa ay umuuga. Ang lupa ay lubos na nagiba, ang lupa ay lubos na nasira, ang lupa ay marahas na niyanig. Pagiray-giray na parang taong lasing ang lupa, ito'y gumigiray na parang dampa; at ang kanyang paglabag ay nagiging mabigat sa kanya, at ito'y bumagsak, at hindi na muling babangon pa. At sa araw na iyon, parurusahan ng PANGINOON ang hukbo ng langit, sa langit, at ang mga hari sa lupa, sa ibabaw ng lupa. At sila'y matitipong sama-sama, kagaya ng mga bilanggo sa hukay, sila'y sasarhan sa bilangguan, at pagkaraan ng maraming araw sila'y parurusahan. Kung magkagayo'y malilito ang buwan, at ang araw ay mapapahiya; sapagkat ang PANGINOON ng mga hukbo ay maghahari sa bundok ng Zion at sa Jerusalem; at sa harapan ng kanyang matatanda ay ihahayag niya ang kanyang kaluwalhatian. O PANGINOON, ikaw ay Diyos ko; aking dadakilain ka, aking pupurihin ang pangalan mo; sapagkat ikaw ay gumawa ng kagila-gilalas na bagay, samakatuwid ay ang iyong binalak noong una, tapat at tiyak. Sapagkat iyong ginawang isang bunton ang lunsod, ang bayang matibay ay ginawang isang guho; ang palasyo ng mga dayuhan ay di na bayan, ito'y hindi na maitatayo kailanman. Kaya't luluwalhatiin ka ng malalakas na mamamayan, ang mga lunsod ng malulupit na mga bansa ay matatakot sa iyo. Sapagkat ikaw sa mga dukha ay naging kanlungan, isang kanlungan sa nangangailangan sa kanyang kahirapan, silungan sa bagyo at lilim sa init, sapagkat ang ihip ng mga malulupit ay parang bagyo laban sa pader, gaya ng init sa tuyong dako. Sinupil mo ang ingay ng mga dayuhan; gaya ng init sa pamamagitan ng lilim ng alapaap, ang awit ng mga malulupit ay napatahimik. At sa bundok na ito ay gagawa ang PANGINOON ng mga hukbo sa lahat ng mga bayan ng isang kapistahan ng matatabang bagay, ng isang kapistahan ng mga nilumang alak, ng matatabang bagay na puno ng utak, ng mga lumang alak na totoong dinalisay. At kanyang wawasakin sa bundok na ito ang takip na inilagay sa lahat ng mga bayan, at ang lambong na iniladlad sa lahat ng bansa. Lulunukin niya ang kamatayan magpakailanman at papahirin ng Panginoong DIYOS ang mga luha sa lahat ng mga mukha. Ang paghamak sa kanyang bayan ay maaalis sa buong lupa, sapagkat ang PANGINOON ang nagsalita. At sasabihin sa araw na iyon, "Ito'y ating Diyos; hinintay natin siya at ililigtas niya tayo. Ito ang PANGINOON; ating hinintay siya, tayo'y matuwa at magalak sa kanyang pagliligtas." Sapagkat ang kamay ng PANGINOON ay magpapahinga sa bundok na ito. Ang Moab ay mayayapakan sa kanyang dako, gaya ng dayami na nayayapakan sa tapunan ng dumi. At kanyang iuunat ang kanyang mga kamay sa gitna niyon, gaya ng manlalangoy na nag-uunat ng kanyang mga kamay sa paglangoy; ngunit ibababa ng PANGINOON ang kanyang kapalaluan kasama ng kakayahan ng kanyang mga kamay. At ang matataas na muog ng kanyang mga kuta ay kanyang ibababa, ilulugmok, at ibabagsak sa lupa, hanggang sa alabok. Sa araw na iyon ay aawitin ang awit na ito sa lupain ng Juda, "Tayo ay may matibay na lunsod; kanyang inilalagay ang kaligtasan bilang mga pader at tanggulan. Buksan ninyo ang mga pintuan, upang makapasok ang matuwid na bansa na nag-iingat ng katotohanan. Iyong iingatan siya sa ganap na kapayapaan, na ang pag-iisip ay nananatili sa iyo, sapagkat siya'y nagtitiwala sa iyo. Magtiwala kayo sa PANGINOON magpakailanman, sapagkat ang Panginoong DIYOS ay isang batong walang hanggan. Sapagkat ibinaba niya ang mga naninirahan sa kaitaasan, ang mapagmataas na lunsod. Kanyang ibinaba, ibinaba hanggang sa lupa; ibinagsak ito hanggang sa alabok. Niyayapakan ito ng paa, ng mga paa ng dukha, ng mga hakbang ng nangangailangan." Ang daan ng matuwid ay patag, iyong pinakinis ang landas ng matuwid. Sa daan ng iyong mga hatol, O PANGINOON, naghihintay kami sa iyo; ang pangalan ng iyong alaala ay siyang nasa ng aming kaluluwa. Kinasasabikan ka sa gabi ng kaluluwa ko, ang espiritu sa loob ko ay masikap na naghahanap sa iyo. Sapagkat kapag nasa lupa ang mga hatol mo, ang mga naninirahan sa sanlibutan sa katuwiran ay naturuto. Kapag nagpapakita ng lingap sa masama, hindi siya matututo ng katuwiran; sa lupain ng katuwiran ay nakikitungo siya na may kasamaan, at hindi nakikita ang sa PANGINOON na kamahalan. PANGINOON, ang iyong kamay ay nakataas, gayunma'y hindi nila nakikita. Ipakita mo ang iyong sigasig para sa bayan, at sila'y mapapahiya; lamunin nawa sila ng apoy na para sa iyong mga kaaway. PANGINOON, ikaw ay magtatalaga ng kapayapaan para sa amin, ikaw ang gumawa para sa amin ng lahat naming mga gawa. O PANGINOON naming Diyos, ang ibang mga panginoon, bukod sa iyo ay namuno sa amin; ngunit ang pangalan mo lamang ang kinikilala namin. Sila'y patay, sila'y hindi mabubuhay; sila'y mga lilim, sila'y hindi babangon. Kaya't iyong dinalaw at winasak sila, at pinawi mo ang lahat ng alaala nila. Ngunit iyong pinarami ang bansa, O PANGINOON, iyong pinarami ang bansa; ikaw ay niluwalhati; iyong pinalaki ang lahat ng hangganan ng lupain. PANGINOON, sa kabalisahan ay dinalaw ka nila, sila'y sumambit ng dalangin, noong pinarurusahan mo sila. Gaya ng babae na nagdadalang-tao na namimilipit at dumaraing sa kanyang panganganak, kapag siya'y malapit na sa kanyang panahon, naging gayon kami dahilan sa iyo, O PANGINOON. Kami ay nagdalang-tao, kami ay namilipit, kami ay tila nanganak ng hangin. Kami ay hindi nagkamit ng tagumpay sa lupa; at ang mga naninirahan sa sanlibutan ay hindi nabuwal. Ang iyong mga patay ay mabubuhay; ang kanilang mga katawan ay babangon. Magsigising at magsiawit sa kagalakan, kayong naninirahan sa alabok! Sapagkat ang iyong hamog ay hamog na makinang, at sa lupain ng mga lilim ay hahayaan mong bumagsak ito. Ikaw ay pumarito, bayan ko, pumasok ka sa iyong mga silid, at isara mo ang iyong mga pintuan sa likuran mo. Magkubli kang sandali, hanggang sa ang galit ay makalampas. Sapagkat ang PANGINOON ay lumalabas mula sa kanyang dako upang parusahan ang mga naninirahan sa lupa dahil sa kanilang kasamaan. Ililitaw naman ng lupa ang dugo na nabuhos doon at hindi na tatakpan ang kanyang napatay. Sa araw na iyon ay parurusahan ng PANGINOON, ng kanyang matigas, malaki, at matibay na tabak ang leviatan na tumatakas na ahas, ang leviatan na pumupulupot na ahas, at kanyang papatayin ang dambuhala na nasa dagat. Sa araw na iyon: "Isang magandang ubasan, umawit kayo tungkol doon! Akong PANGINOON ang siyang nag-aalaga, bawat sandali ay dinidilig ko iyon. Baka saktan ng sinuman, aking binabantayan ito gabi't araw. Wala akong galit. Kung mayroon sana akong mga dawag at mga tinik para makipaglaban! Ako'y hahayo laban sa kanila, sama-sama ko silang susunugin. O kung hindi ay kumapit sila sa akin upang mapangalagaan, makipagpayapaan sila sa akin, makipagpayapaan sila sa akin." Sa mga araw na darating ay mag-uugat ang Jacob, ang Israel ay uusbong at mamumulaklak at pupunuin nila ng bunga ang buong sanlibutan. Kanya bang sinaktan siya na gaya ng pananakit niya sa mga nanakit sa kanila? O pinatay ba sila na gaya ng pagpatay sa mga pumatay sa kanila? Sa pamamagitan ng pagpapalayas, sa pamamagitan ng pagkabihag ay nakipagtunggali ka laban sa kanila, kanyang inalis siya ng kanyang malakas na ihip sa araw ng hangin mula sa silangan. Kaya't sa pamamagitan nito ay mapagbabayaran ang pagkakasala ng Jacob, at ito ang buong bunga ng pag-aalis ng kanyang kasalanan:. kapag kanyang pinagdurog-durog na gaya ng batong tisa ang lahat ng mga bato ng dambana, walang Ashera o dambana ng insenso ang mananatiling nakatayo. Sapagkat ang lunsod na may kuta ay nag-iisa, isang tahanang pinabayaan at iniwanan gaya ng ilang. Doon manginginain ang guya, doo'y humihiga siya, at babalatan ang mga sanga niyon. Kapag ang mga sanga niyon ay natuyo, ang mga iyon ay babaliin; darating ang mga babae at gagawa ng apoy mula sa mga iyon. Sapagkat ito ay isang bayan na walang unawa; kaya't ang gumawa sa kanila ay hindi mahahabag sa kanila, siya na humubog sa kanila ay hindi magpapakita sa kanila ng lingap. Sa araw na iyon, mula sa Ilog Eufrates hanggang sa batis ng Ehipto, gigiikin ng PANGINOON ang bunga niyon, at kayo'y titipuning isa-isa, O kayong mga anak ni Israel. At sa araw na iyon, ang malaking trumpeta ay hihipan; at silang nawala sa lupain ng Asiria, at silang mga itinaboy sa lupain ng Ehipto ay darating upang sumamba sa PANGINOON sa banal na bundok sa Jerusalem. IKahabag-habag ang palalong korona ng mga maglalasing ng Efraim, at sa kumukupas na bulaklak ng kanyang maluwalhating kagandahan, na nasa ulunan ng mayamang libis na nadaig ng alak! Ang Panginoon ay may isa na makapangyarihan at malakas; na tulad ng bagyo ng yelo, isang mangwawasak na bagyo, parang bagyo ng malakas at bumabahang mga tubig, kanyang ibubuwal sa lupa sa pamamagitan ng kanyang kamay. Ang palalong korona ng mga maglalasing ng Efraim ay mayayapakan ng paa, at ang kumukupas na bulaklak ng kanyang maluwalhating kagandahan, na nasa ulunan ng mayamang libis, ay magiging gaya ng unang hinog na bunga ng igos bago magtag-init: kapag ito'y nakikita ng tao, kinakain niya ito paglapat nito sa kanyang kamay. Sa araw na iyon ay magiging korona ng kaluwalhatian ang PANGINOON ng mga hukbo, at putong ng kagandahan, sa nalabi sa kanyang bayan; at espiritu ng katarungan sa kanya na nakaupo sa paghatol, at lakas sa kanila na nagpaurong ng labanan sa pintuan. Ang mga ito ay sumusuray din dahil sa alak, at dahil sa matapang na alak ay pahapay-hapay; ang pari at ang propeta ay sumusuray dahil sa matapang na alak, sila'y nililito ng alak, sila'y pahapay-hapay dahil sa matapang na alak; sila'y nagkakamali sa pangitain, sila'y natitisod sa paghatol. Sapagkat lahat ng mga hapag ay puno ng suka, walang dakong walang karumihan. "Kanino siya magtuturo ng kaalaman? At kanino niya ipapaliwanag ang balita? Sa mga inilayo sa gatas, at inihiwalay sa suso? Sapagkat tuntunin sa tuntunin, tuntunin sa tuntunin, bilin at bilin, bilin at bilin; dito'y kaunti, doo'y kaunti." Hindi, kundi sa pamamagitan ng mga utal na labi at ng ibang wika ay magsasalita ang PANGINOON sa bayang ito, na sa kanya'y sinabi niya, "Ito ang kapahingahan, papagpahingahin ninyo ang pagod; at ito ang kaginhawahan;" gayunma'y hindi nila pinakinggan. Kaya't ang salita ng PANGINOON ay magiging sa kanila'y tuntunin sa tuntunin, tuntunin sa tuntunin, bilin at bilin, bilin at bilin; dito'y kaunti, doo'y kaunti; upang sila'y makahayo, at umatras, at mabalian, at masilo, at mahuli. Kaya't inyong pakinggan ang salita ng PANGINOON, kayong mga mangungutya, na namumuno sa bayang ito sa Jerusalem! Sapagkat inyong sinabi, "Tayo'y nakipagtipan sa kamatayan, at sa Sheol ay nakipagkasundo tayo; kapag ang mahigpit na hagupit ay dumaan, ito'y hindi darating sa atin; sapagkat ating ginawang kanlungan ang mga kabulaanan, at sa ilalim ng kasinungalingan ay nagkubli tayo." Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong DlYOS, "Aking inilalagay sa Zion bilang pundasyon ang isang bato, isang batong subok, isang mahalagang batong panulok, na isang tiyak na pundasyon: 'Siyang naniniwala ay hindi magmamadali.' At aking ilalagay na pising panukat ang katarungan, at ang katuwiran bilang pabigat; At papalisin ng yelo ang kanlungan ng mga kabulaanan, at aapawan ng tubig ang kanlungan." At ang inyong tipan sa kamatayan ay mawawalan ng kabuluhan, at ang iyong pakikipagkasundo sa Sheol ay hindi mamamalagi; kapag ang mahigpit na hagupit ay dumaraan, kayo nga'y ibabagsak niyon. Sa tuwing daraan kayo, tatangayin kayo niyon, sapagkat tuwing umaga ay daraan iyon, sa araw at sa gabi. at magiging kakilakilabot na maunawaan ang balita. Sapagkat ang higaan ay napakaikli upang makaunat ang isa, at ang kumot ay napakakitid upang maibalot sa kanya. Sapagkat ang PANGINOON ay babangon na gaya sa Bundok ng Perasim, siya'y mapopoot na gaya sa libis ng Gibeon; upang gawin ang kanyang gawain — kataka-taka ang kanyang gawa! at upang gawin ang kanyang gawain — kakaiba ang kanyang gawain! Kaya't ngayo'y huwag kayong manuya, baka ang mga panali sa inyo ay magsitibay, sapagkat ako'y nakarinig ng utos ng pagwasak, mula sa Panginoong DIYOS ng mga hukbo, sa buong lupa. Makinig kayo, at pakinggan ninyo ang aking tinig, inyong dinggin, at pakinggan ang aking pananalita. Nag-aararo bang lagi ang mag-aararo upang maghasik? Patuloy ba niyang binubungkal at dinudurog ang kanyang lupa? Kapag kanyang napatag ang ibabaw niyon hindi ba niya binibinhian ng eneldo, at ipinupunla ang binhing komino, at inihahanay ang trigo, at ang sebada sa tamang lugar, at ang espelta bilang hangganan niyon? Sapagkat siya'y naturuan ng matuwid, ang kanyang Diyos ang nagtuturo sa kanya. Ang eneldo ay hindi ginigiik ng panggiik na mabigat, o ang gulong man ng karwahe ay iginugulong sa komino; kundi ang eneldo ay hinahampas ng tungkod, at ang komino ay ng pamalo. Ang trigo ay dinudurog upang gawing tinapay, sapagkat ito'y hindi laging ginigiik, kapag ito'y kanyang pinagulungan ng kanyang karwahe at ng kanyang mga kabayo, hindi niya ito nadudurog. Ito man ay mula rin sa PANGINOON ng mga hukbo; siya'y kahanga-hanga sa payo, at nangingibabaw sa karunungan. Kahabag-habag ka, Ariel, Ariel, na bayang pinagkampuhan ni David! Magdagdag kayo ng taon sa taon; hayaang matapos ang kanilang mga kapistahan. Gayunma'y aking pahihirapan ang Ariel, at magkakaroon ng pagtangis at panaghoy, at sa akin siya'y magiging gaya ng Ariel. Ako'y magtatayo ng kampo laban sa iyo sa palibot, at kukubkubin kita ng mga kuta, at ako'y maglalagay ng mga pangkubkob laban sa iyo. Ikaw ay magsasalita mula sa kalaliman ng lupa, at mula sa kababaan ng alabok ay darating ang iyong salita, at ang iyong tinig ay magmumula sa lupa na gaya ng tinig ng multo, at ang iyong pananalita ay bubulong mula sa alabok. Ngunit ang karamihan sa iyong mga kaaway ay magiging gaya ng munting alabok, at ang karamihan ng mga malulupit ay gaya ng ipang inililipad ng hangin. At sa isang iglap, bigla, ikaw ay dadalawin ng PANGINOON ng mga hukbo na may kulog, at may lindol, at ng malaking ingay, ng ipu-ipo at bagyo, at ng liyab ng tumutupok na apoy. At ang karamihan ng lahat ng mga bansang nakikidigma laban sa Ariel, lahat na lumaban sa kanya at sa kanyang kuta, at ang nagpapahirap sa kanya, ay magiging gaya ng panaginip, ng isang pangitain sa gabi. At gaya ng kung ang isang gutom ay nananaginip na siya ay kumakain, at nagising na ang kanyang pagkagutom ay hindi napawi, o gaya ng kung ang isang taong uhaw ay nananaginip na siya'y umiinom, at gumising na nanghihina, at ang kanyang pagkauhaw ay di napawi, gayon ang mangyayari sa karamihan ng lahat ng mga bansa, na lumalaban sa Bundok ng Zion. Kayo'y matigilan at matuliro, kayo'y magpakabulag at maging bulag! Magpakalasing, ngunit hindi sa alak; sumuray, ngunit hindi sa matapang na alak! Sapagkat ibinuhos ng PANGINOON sa inyo ang espiritu ng mahimbing na pagkakatulog, at ipinikit ang inyong mga mata, kayong mga propeta; at tinakpan ang inyong mga ulo, kayong mga tagakita. At ang pangitain ng lahat ng ito ay naging sa inyo'y gaya ng mga salita ng aklat na natatakan. Kapag ibibigay ng mga tao sa isang marunong bumasa, na sinasabi, "Iyong basahin ito," kanyang sinasabi, "Hindi ko mababasa, sapagkat natatatakan." Nang ang aklat ay ibigay sa isa na hindi marunong bumasa, na sinasabi, "Iyong basahin ito," kanyang sinasabi, "Ako'y hindi marunong bumasa." At sinabi ng Panginoon, "Sapagkat ang bayang ito ay lumalapit sa pamamagitan ng kanilang bibig, at pinapupurihan ako ng kanilang labi, samantalang malayo ang kanilang puso sa akin, at ang kanilang takot sa akin ay utos ng mga tao na natutuhan sa pamamagitan ng pagsasaulo; dahil dito, muli akong gagawa ng kahanga-hangang mga gawa sa bayang ito, kahanga-hanga at kagila-gilalas, at ang karunungan ng kanilang mga pantas ay mapapawi, at ang unawa ng kanilang mga taong may unawa ay malilihim." Kahabag-habag sila, na itinatago nang malalim ang kanilang payo sa PANGINOON at ang mga gawa ay nasa kadiliman, at kanilang sinasabi, "Sinong nakakakita sa atin? At sinong nakakakilala sa atin?" Inyong binabaligtad ang mga bagay! Ituturing bang putik ang magpapalayok; upang sabihin ng bagay na niyari sa gumawa sa kanya, "Hindi niya ako ginawa"; o sabihin ng bagay na inanyuan sa kanya na nag-anyo nito, "Siya'y walang unawa"? Hindi ba sandaling-sandali na lamang, at ang Lebanon ay magiging mabungang lupain, at ang mabungang lupain ay ituturing na gubat? At sa araw na iyon ay maririnig ng bingi ang mga salita ng isang aklat, at mula sa kanilang kapanglawan at kadiliman ang mga mata ng bulag ay makakakita. Ang maamo ay magtatamo ng sariwang kagalakan sa PANGINOON, at ang dukha sa gitna ng mga tao ay magagalak sa Banal ng Israel. Sapagkat ang malupit ay mauuwi sa wala, at ang manlilibak ay tumigil, at ang lahat ng naghihintay sa paggawa ng kasamaan ay tatanggalin, iyong mga nagdadala sa tao sa kahatulan, at naglalagay ng bitag para sa tagahatol sa may pintuan, at walang dahilang ipinagkakait ang katarungan sa nasa katuwiran. Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON, na siyang tumubos kay Abraham, tungkol sa sambahayan ni Jacob, "Si Jacob ay hindi na mapapahiya, hindi na mamumutla ang kanyang mukha. Sapagkat kapag kanyang nakikita ang kanyang mga anak, ang gawa ng aking mga kamay, sa gitna niya, ay kanilang pababanalin ang aking pangalan; kanilang pababanalin ang Banal ni Jacob, at tatayong may paggalang sa Diyos ng Israel. Sila namang nagkakamali sa espiritu ay darating sa pagkaunawa, at silang nagbubulung-bulungan ay tatanggap ng aral." "Kahabag-habag ang mga mapaghimagsik na mga anak," sabi ng PANGINOON, "na nagsasagawa ng panukala, ngunit hindi mula sa akin; na nakikipagkasundo, ngunit hindi sa aking Espiritu, upang sila'y makapag-dagdag ng kasalanan sa kasalanan; na pumupunta na lumulusong sa Ehipto, na hindi humihingi ng payo, upang manganlong sa pag-iingat ng Faraon, at manirahan sa lilim ng Ehipto! Kaya't ang pag-iingat ng Faraon ay magiging inyong kahihiyan, at ang tirahan sa lilim ng Ehipto ay inyong pagkapahiya. Sapagkat bagaman ang kanyang mga pinuno ay nasa Zoan, at ang kanilang mga sugo ay nakarating sa Hanes, silang lahat ay mapapahiya sa pamamagitan ng isang bayan na hindi nila mapapakinabangan, na magdadala hindi ng tulong o pakinabang man, kundi kahihiyan at kasiraan." Ang pahayag tungkol sa mga hayop ng Negeb. Sa lupain ng kabagabagan at ng hapis, na pinanggagalingan ng leong babae at lalaki, ng ulupong at ng lumilipad na makamandag na ahas, kanilang dinadala ang kanilang mga kayamanan sa mga gulugod ng mga batang asno, at ang kanilang mga kayamanan sa umbok ng gulugod ng mga kamelyo, sa isang bayan na hindi nila mapapakinabangan. Sapagkat ang tulong ng Ehipto ay walang kabuluhan at walang halaga, kaya't aking tinawag siyang "Rahab na nakaupong walang kibo." Ngayo'y humayo ka, isulat mo sa harapan nila sa isang tapyas na bato, at ititik mo sa isang aklat, upang sa darating na panahon ay maging saksi magpakailanman. Sapagkat sila'y mapaghimagsik na bayan, mga sinungaling na anak, mga anak na ayaw makinig sa kautusan ng PANGINOON, na nagsasabi sa mga tagakita, "Huwag kayong makakita ng pangitain;" at sa mga propeta, "Huwag kayong magpahayag sa amin ng matutuwid na bagay, magsalita kayo sa amin ng mga kawili-wiling bagay, magpropesiya kayo ng mga haka-haka. Humiwalay kayo sa daan, lumihis kayo sa landas, huwag na tayong makinig sa Banal ng Israel." Kaya't ganito ang sabi ng Banal ng Israel, "Sapagkat inyong hinamak ang salitang ito, at nagtiwala kayo sa pang-aapi at kasamaan, at umasa sa mga iyon; kaya't ang kasamaang ito ay magiging sa inyo'y gaya ng butas sa isang mataas na pader, nakalabas at malapit nang bumagsak, na biglang dumarating ang pagbagsak sa isang iglap. At ang pagkabasag nito ay gaya ng pagkabasag ng sisidlan ng magpapalayok, na walang awang dinurog na anupa't walang natagpuang isang kapiraso sa mga bahagi niyon, na maikukuha ng apoy mula sa apuyan, o maisasalok ng tubig sa balon." Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS, ng Banal ng Israel, "Sa pagbabalik at sa pagpapahinga ay maliligtas kayo; sa katahimikan at pagtitiwala ay magiging inyong lakas." Ngunit ayaw ninyo, kundi inyong sinabi, "Hindi! Kami ay tatakas na sakay sa mga kabayo." Kaya kayo'y tatakas, at, "Kami ay sasakay sa mabibilis na kabayo," kaya't ang mga humahabol sa inyo ay magiging mabliis. Isang libo ay tatakas sa banta ng isa, sa banta ng lima ay tatakas kayo, hanggang sa kayo'y maiwang parang isang tagdan ng watawat sa tuktok ng bundok, at gaya ng isang hudyat sa isang burol. Kaya't naghihintay ang PANGINOON, na maging mapagbiyaya sa inyo; kaya't siya'y babangon, upang magpakita ng habag sa inyo. Sapagkat ang PANGINOON ay Diyos ng katarungan; mapapalad ang lahat na naghihintay sa kanya. Ang bayan ng Zion na naninirahan sa Jerusalem; tiyak na hindi ka iiyak. Siya'y tiyak na magiging mapagbiyaya sa iyo sa tinig ng iyong daing; kapag kanyang maririnig, sasagutin ka niya. At bagaman bigyan kayo ng PANGINOON ng tinapay ng paghihirap at ng tubig ng kapighatian, gayunma'y hindi na makukubli pa ang iyong mga tagapagturo, kundi makikita ng iyong mga mata ang iyong mga tagapagturo. At ang iyong mga pandinig ay makakarinig ng salita sa likuran mo, na nagsasabi, "Ito ang daan, lakaran ninyo," kapag kayo'y pumipihit sa kanan, at kapag kayo'y pumipihit sa kaliwa. At inyong lalapastanganin ang inyong mga larawang pilak na inanyuan at ang inyong mga hinulmang larawan na tubog sa ginto. Iyong ikakalat ang mga iyon na gaya ng maruming bagay. Iyong sasabihin sa mga iyon, "Lumayas kayo." At siya ay magbibigay ng ulan sa iyong binhi na iyong inihasik sa lupa, at ng tinapay na bunga ng lupa na magiging mataba at sagana. Sa araw na iyon ay manginginain ang iyong mga hayop sa mga malaking pastulan. Ang mga baka at ang mga batang asno na nagbubungkal ng lupa ay kakain ng masarap na pagkain, na pinahanginan ng pala at kalaykay. At sa bawat matataas na bundok at bawat mataas na burol ay magkakaroon ng sapa na may umaagos na tubig, sa araw ng malaking patayan, kapag ang mga muog ay mabuwal. Bukod dito'y ang liwanag ng buwan ay magiging gaya ng liwanag ng araw, at ang liwanag ng araw ay magiging pitong ulit, na gaya ng liwanag ng pitong araw, sa araw na talian ng PANGINOON ang sugat ng kanyang bayan, at pagalingin ang sugat na dulot ng kanyang pagpalo. Ang pangalan ng PANGINOON ay magmumula sa malayo, ang kanyang galit ay nagniningas at ito'y makapal na usok, ang kanyang mga labi ay puno ng pagkagalit, at ang kanyang dila ay gaya ng tumutupok na apoy. At ang kanyang hininga ay gaya ng umaapaw na ilog, na umaabot hanggang sa leeg, upang salain ang mga bansa sa pangsala ng pagkawasak at ilagay sa mga panga ng mga tao ang pamingkaw na nakapagpapaligaw. Kayo'y magkakaroon ng awit na gaya ng sa gabi kapag ang banal na kapistahan ay ipinagdiriwang; at kasayahan ng puso, na gaya ng humahayo sa tunog ng plauta upang pumunta sa bundok ng PANGINOON, sa Malaking Bato ng Israel. At iparirinig ng PANGINOON ang kanyang maluwalhating tinig, at ipapakita ang bumababang dagok ng kanyang bisig, sa matinding galit, at liyab ng tumutupok na apoy, na may bugso ng ulan, at bagyo, at granizo. Ang mga taga-Asiria ay masisindak sa takot sa tinig ng PANGINOON, kapag siya'y nananakit ng kanyang pamalo. At bawat hampas ng tungkod ng kaparusahan na ibabagsak ng PANGINOON sa kanila ay sa saliw ng tunog ng pandereta at lira. Nakikipaglaban sa pamamagitan ng bisig na iwinawasiwas, siya ay makikipaglaban sa kanila. Sapagkat ang Tofet na sunugan ay matagal nang handa. Oo, para sa hari ay inihanda ito; ang gatungan ay pinalalim at pinaluwang na may maraming apoy at mga kahoy. Ang hininga ng PANGINOON na gaya ng sapa ng asupre, ay nagpapaningas niyon. Kahabag-habag sila na sa Ehipto ay lumulusong upang humingi ng tulong, at umaasa sa mga kabayo; na nagtitiwala sa mga karwahe sapagkat marami sila, at sa mga mangangabayo sapagkat napakalakas nila, ngunit hindi sila nagtitiwala sa Banal ng Israel, o sumasangguni man sa PANGINOON! Gayunman siya'y pantas at nagdadala ng kapahamakan, hindi niya iniurong ang kanyang mga salita, kundi mag-aalsa laban sa sambahayan ng mga gumagawa ng kasamaan, at laban sa tumutulong sa mga gumagawa ng kasamaan. Ang mga Ehipcio ay mga tao, at hindi Diyos; at ang kanilang mga kabayo ay laman, at hindi espiritu. Kapag iniunat ng PANGINOON ang kanyang kamay, siyang tumutulong ay matitisod, at siyang tinutulungan ay mabubuwal, at silang lahat ay samasamang mapapahamak. Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON sa akin, Kung paanong ang leon at ang batang leon ay umuungal sa kanyang biktima, at kapag ang isang pangkat ng mga pastol ay tinatawag laban sa kanya, ay hindi natatakot sa kanilang sigaw, o naduduwag man dahil sa kanilang ingay, gayon bababa ang PANGINOON ng mga hukbo upang lumaban sa Bundok ng Zion, at sa burol niyon. Gaya ng mga ibong nagsisilipad gayon iingatan ng PANGINOON ng mga hukbo ang Jerusalem; iyon ay kanyang iingatan at ililigtas, kanyang ililigtas at iingatan iyon. Kayo'y manumbalik sa kanya na inyong pinaghimagsikang lubha, O mga anak ni Israel. Sapagkat sa araw na iyon ay itatapon ng bawat tao ang kanyang mga diyus-diyosang pilak, at ang kanyang mga diyus-diyosang ginto, na ginawa ng inyong mga kamay na para sa inyo ay naging kasalanan. "Kung magkagayo'y mabubuwal ang taga-Asiria sa pamamagitan ng tabak, hindi sa tao; at ang tabak, na hindi sa mga tao, ang lalamon sa kanya; at kanyang tatakasan ang tabak, at ang kanyang mga binata ay ilalagay sa sapilitang paggawa. Ang kanyang bato ay mawawala dahil sa pagkasindak, at ang kanyang mga pinuno ay manginginig sa watawat," sabi ng PANGINOON, na ang kanyang apoy ay nasa Zion, at ang kanyang hurno ay nasa Jerusalem. Narito ang isang hari ay maghahari sa katuwiran, at ang mga pinuno ay mamumuno na may katarungan. Bawat isa ay magiging gaya ng isang kublihang dako laban sa hangin, at kanlungan mula sa bagyo, gaya ng mga agos ng tubig sa tuyong dako, gaya ng lilim ng malaking bato sa pagod na lupain. At ang mga mata nila na nakakakita ay hindi lalabo, at ang mga tainga nila na nakikinig ay makikinig. Ang isipan ng padalus-dalos ay magkakaroon ng mabuting pagpapasiya, at ang dila ng mga utal ay agad makakapagsalita ng malinaw. Ang hangal ay hindi na tatawagin pang marangal, at ang walanghiya ay hindi sasabihing magandang loob. Sapagkat ang taong hangal ay magsasalita ng kahangalan, at ang kanyang puso ay nagbabalak ng kasamaan: upang magsanay ng kasamaan, at siya'y magsasalita ng kamalian laban sa PANGINOON, upang gawing walang laman ang gutom na kaluluwa, at upang pagkaitan ng inumin ang nauuhaw. Ang mga sandata ng mandaraya ay masama; siya'y nagbabalak ng masasamang pakana upang wasakin ang mga dukha sa pamamagitan ng mga salitang kasinungalingan, bagaman matuwid ang pakiusap ng nangangailangan. Ngunit ang marangal ay kumakatha ng mga bagay na marangal at sa mga mararangal na bagay siya'y naninindigan. Kayo'y bumangon, kayong mga babaing tiwasay, pakinggan ninyo ang tinig ko; kayong mga anak na babaing walang pakialam, pakinggan ninyo ang aking pananalita. Kayo'y mangangatog sa isang taon at ilang mga araw kayong mga babaing walang pakialam; sapagkat ang ani ng ubas ay magkukulang, ang pag-aani ay hindi darating. Kayo'y magsipanginig, kayong mga babaing tiwasay; kayo'y mabagabag, kayong mga walang pakialam, kayo'y maghubad, at mag-alis ng damit, at magbigkis kayo ng damit-sako sa inyong mga baywang. Sila'y magsisidagok sa mga dibdib dahil sa mga maligayang parang, dahil sa mabungang puno ng ubas. Sa lupain ng aking bayan ay tutubo ang mga tinik at mga dawag; Oo, para sa lahat ng nagagalak na bahay sa masayang lunsod. Sapagkat ang palasyo ay mapapabayaan; ang maraming tao ng lunsod ay mapapabayaan; ang burol at ang bantayang tore ay magiging mga yungib magpakailanman, isang kagalakan para sa maiilap na asno, at pastulan ng mga kawan; hanggang sa ibuhos sa atin ang Espiritu mula sa itaas, at ang ilang ay maging mabungang kabukiran, at ang mabungang bukid ay ituring na kagubatan. Kung magkagayo'y ang katarungan ay maninirahan sa ilang, at mananatili sa mabungang bukid ang katuwiran. At ang gawa ng katuwiran ay kapayapaan; ?at ang gawa ng katuwiran ay katahimikan at pagtitiwala kailanman. At ang bayan ko ay maninirahan sa payapang tahanan, at sa mga ligtas na tirahan, at sa mga tiwasay na dakong pahingahan. Ngunit uulan ng yelo sa pagbagsak ng kagubatan, at ang lunsod ay lubos na ibabagsak. Mapapalad kayo na naghahasik sa tabi ng lahat ng tubig, na nagpapahintulot na malayang makagala ang mga paa ng baka at ng asno. Kahabag-habag ka na mangwawasak; ikaw na hindi nawasak; ikaw na taksil, na hindi ginawan ng kataksilan ng sinuman! Kapag ikaw ay tumigil sa pagwasak, ikaw ay wawasakin; at kapag iyong winakasan ang paggawa ng kataksilan, ikaw ay gagawan ng kataksilan. O PANGINOON, mahabag ka sa amin; kami'y umaasa sa iyo. Ikaw ay maging kanilang bisig tuwing umaga; aming kaligtasan sa panahon ng pagkabalisa. Sa ingay ng kaguluhan ay tumakas ang mga tao, sa pagbangon mo ay nangalat ang mga bansa; at ang iyong samsam ay tinitipon na gaya nang pagtitipon ng mga uod; kung paanong ang mga balang ay lumulukso, gayon niluluksuhan ito ng mga tao. Ang PANGINOON ay dinakila, sapagkat sa mataas siya'y tumatahan, kanyang pupunuin ang Zion ng katarungan at katuwiran; at siya ang magiging katatagan ng iyong mga panahon, kalakasan ng kaligtasan, karunungan at kaalaman; ang takot sa PANGINOON ay kanyang kayamanan. Narito, ang kanilang mga bayani ay nagsisisigaw sa labas; ang mga sugo ng kapayapaan ay matinding nagsisiiyak. Ang mga lansangan ay iniwanan, ang manlalakbay ay huminto. Kanyang sinisira ang mga tipan, kanyang tinanggihan ang mga lunsod, hindi niya iginalang ang tao. Ang lupain ay nananangis at nagdurusa, ang Lebanon ay napapahiya; ang Sharon ay natutuyo gaya ng isang disyerto; at nalalagas ang mga dahon ng Basan at Carmel. "Ngayo'y babangon ako," sabi ng PANGINOON, "ngayo'y itataas ico ang aking sarili; ngayo'y dadakilain ako. Kayo'y naglihi ng ipa, kayo'y nanganak ng dayami; ang inyong hininga ay apoy na tutupok sa inyo. At ang mga bayan ay parang sinunog sa apog, gaya ng mga pinutol na mga tinik, na sinunog sa apoy." Pakinggan ninyo, kayong nasa malayo, kung ano ang aking ginawa; at kayong nasa malapit, kilalanin ang aking kapangyarihan. Ang mga makasalanan sa Zion ay natatakot; kinilabutan ang masasama: "Sino sa atin ang makatatahang kasama ng lumalamong apoy? Sino sa atin ang makatatahang kasama ng walang hanggang pagsunog?" Siyang lumalakad nang matuwid, at nagsasalita nang matuwid; siyang humahamak ng pakinabang ng pang-aapi, na ipinapagpag ang kanyang mga kamay, baka mayroon silang hawak na suhol, na nagtatakip ng kanyang mga tainga sa pagdinig ng pagdanak ng dugo, at ipinipikit ang kanyang mga mata sa pagtingin sa kasamaan; siya'y maninirahan sa kaitaasan; ang kanyang dakong tanggulan ay magiging muog ng malalaking bato; ang kanyang tinapay ay ibibigay sa kanya; ang kanyang tubig ay sasagana. Makikita ng iyong mga mata ang hari sa kanyang kagandahan; matatanaw nila ang lupaing nasa malayong lugar. Gugunitain ng iyong isipan ang kakilabutan: "Nasaan siya na eskriba, nasaan siya na tumitimbang? Nasaan siya na bumibilang ng mga muog?" Hindi mo makikita ang mabagsik na bayan, ang bayan na may malabong pananalita na hindi mo maunawaan, nauutal sa wika na hindi mo maiintindihan. Narito ang Zion, ang lunsod ng ating mga takdang kapistahan! Makikita ng iyong mga mata ang Jerusalem, isang tahimik na tahanan, isang tolda na hindi makikilos, na ang mga tulos ay hindi mabubunot kailanman, o mapapatid man ang alinman sa mga tali niyon. Kundi doon ang kamahalan ng PANGINOON, ay maglalagay para sa atin, isang dako ng maluluwang na ilog at batis; na hindi daraanan ng mga daong na may mga gaod, o daraanan man ng malalaking sasakyang-dagat. Sapagkat ang PANGINOON ang ating hukom, ang PANGINOON ang ating tagapagbigay ng kautusan, ang PANGINOON ay ating hari; tayo'y kanyang ililigtas. Ang iyong mga tali ay nakalag; hindi nila mahawakan ang patungan ng kanilang palo, hindi nila mabuka ang kanilang layag. At ang biktima at saganang samsam ay babahaginin, kahit ang pilay ay kukuha ng nasila. At walang mamamayan na magsasabi, "Ako'y may karamdaman"; ang bayang tumatahan doon ay patatawarin sa kanilang kasalanan. Kayo'y magsilapit, kayong mga bansa, upang makinig; at pakinggan ninyo, O mga bayan! Dinggin ng lupa at ng lahat ng narito; ng sanlibutan, at ng lahat na bagay na mula rito. Sapagkat ang PANGINOON ay galit laban sa lahat ng bansa, at napopoot laban sa lahat nilang hukbo, kanyang inilaan na sila, kanyang ibinigay sila upang patayin. Ang kanilang patay ay itatapon, at ang baho ng kanilang mga bangkay ay aalingasaw; at ang mga bundok ay tutunawin ng kanilang dugo. Ang lahat ng mga bagay sa langit ay mabubulok, at ang langit ay malululon na parang balumbon. Lahat ng bagay ay babagsak, na parang dahong nalalagas sa puno ng ubas, at gaya ng dahong nalalanta sa puno ng igos. Sapagkat ang aking tabak ay nalasing sa langit; narito, ito'y bumababa sa Edom, sa bayan na aking itinalaga para hatulan. Ang PANGINOON ay may tabak na puno ng dugo, ito ay ginawang mataba ng katabaan, sa dugo ng mga kordero at ng mga kambing, sa taba ng mga bato ng mga lalaking tupa. Sapagkat may handog ang PANGINOON sa Bosra, isang malaking patayan sa lupain ng Edom. Ang maiilap na baka ay mabubuwal na kasama nila, at ang mga batang baka na kasama ng malalakas na toro. Ang kanilang lupain ay basang-basa sa dugo, at ang kanilang alabok ay sasagana sa katabaan. Sapagkat ang araw ng paghihiganti ay sa PANGINOON, ang taon ng pagganti para sa kapakanan ng Zion. At ang kanyang mga batis ay magiging alkitran, at ang alabok niya ay magiging asupre, at ang lupain niya ay magiging nagniningas na alkitran. Hindi ito mapapatay sa gabi o sa araw man; ang usok niyon ay paiilanglang magpakailanman. Mula sa isang lahi hanggang sa susunod na lahi ito ay tiwangwang, walang daraan doon magpakailan kailanman. Ngunit ito ay aangkinin ng lawin at ng porkupino; at ang kuwago at ang uwak ay maninirahan doon. Kanyang iuunat doon ang pisi ng pagkalito, at ang pabigat ng kawalan sa mga mararangal nito. Kanilang tatawagin iyon na Walang Kaharian Doon, at lahat niyang mga pinuno ay mawawalang kabuluhan. At mga tinik ay tutubo sa kanyang mga palasyo, mga dawag at damo sa mga muog niyon. Iyon ay magiging tahanan ng mga asong-gubat, tirahan ng mga avestruz. At ang maiilap na hayop ay makikipagsalubong sa mga asong-gubat, at ang lalaking kambing ay sisigaw sa kanyang kasama; ang malaking kuwago ay maninirahan din doon, at makakatagpo siya ng dakong pahingahan. Doo'y magpupugad at mangingitlog ang ahas, at magpipisa ng itlog at titipunin sa kanyang lilim; doon matitipon ang mga lawin, bawat isa'y kasama ng kanyang kauri. Inyong saliksikin at basahin ang aklat ng PANGINOON: Kahit isa sa mga ito ay hindi magkukulang; walang mangangailangan ng kanyang kasama. Sapagkat iniutos ng bibig ng PANGINOON, at tinipon sila ng kanyang Espiritu. At siya'y nagpalabunutan para sa kanila, at ito'y binahagi ng kanyang kamay sa kanila sa pamamagitan ng pising panukat; ito'y kanilang aariin magpakailanman, mula sa mga sali't salinlahi ay maninirahan sila roon. Ang ilang at ang tuyong lupa ay magagalak, at ang disyerto ay magagalak at mamumulaklak; gaya ng rosas, ito ay mamumulaklak nang sagana, at magsasaya na may kagalakan at awitan. Ang kaluwalhatian ng Lebanon ay ibibigay rito, ang karilagan ng Carmel at ng Sharon. Kanilang makikita ang kaluwalhatian ng PANGINOON, ang karilagan ng ating Diyos. Inyong palakasin ang mahihinang kamay, at patatagin ang mahihinang tuhod. Inyong sabihin sa kanila na may matatakuting puso, "Kayo'y magpakatapang, huwag kayong matakot! Narito tingnan mo, ang inyong Diyos ay darating na may paghihiganti, na may ganti ng Diyos. Siya'y darating at ililigtas kayo." Kung magkagayo'y mamumulat ang mga mata ng bulag, at ang mga tainga ng bingi ay mabubuksan; kung magkagayo'y lulukso ang pilay na parang usa, at ang dila ng pipi ay aawit sa kagalakan. Sapagkat sa ilang ay bubukal ang tubig, at batis sa disyerto. At ang tigang na lupa ay magiging lawa, at ang uhaw na lupa ay magiging mga bukal ng tubig; ang tahanan ng mga asong-gubat ay magiging latian, ang damo ay magiging mga tambo at mga yantok. At magkakaroon doon ng lansangan isang daanan, At ito'y tatawaging ang Daan ng Kabanalan; ang marumi ay hindi daraan doon; ngunit ito'y para sa kanya na lumalakad sa daang iyon, at ang mga hangal ay hindi maliligaw roon. Hindi magkakaroon ng leon doon, o sasampa man doon ang anumang mabangis na hayop; hindi sila matatagpuan doon, kundi ang mga tinubos ay lalakad doon. At ang mga tinubos ng PANGINOON ay magbabalik, at darating sa Zion na nag-aawitan; walang hanggang kagalakan ay mapapasa kanilang mga ulo; sila'y magtatamo ng kasayahan at kagalakan, at ang kalungkutan at ang pagbubuntung-hininga ay maglalaho. Nang ikalabing-apat na taon ni Haring Hezekias, si Senakerib na hari ng Asiria ay umahon laban sa lahat ng may pader na lunsod ng Juda, at sinakop ang mga ito. At sinugo ng hari ng Asiria si Rabsake sa Jerusalem mula sa Lakish kay Haring Hezekias, na may malaking hukbo. At siya'y tumayo sa tabi ng padaluyan ng tubig ng mataas na tipunan ng tubig sa lansangan ng Bilaran ng Tela. At doo'y humarap sa kanya si Eliakim na anak ni Hilkias, na tagapamahala sa bahay, at si Sebna na kalihim, at si Joah na anak ni Asaf na tagapagtala. At sinabi ni Rabsake sa kanila, "Sabihin ninyo kay Hezekias, 'Ganito ang sabi ng dakilang hari, ang hari ng Asiria: Sa anong pag-asa ka nagtitiwala? Aking sinasabing ang iyong payo at kalakasan sa pakikidigma ay mga salita lamang na walang kabuluhan. Ngayo'y kanino ka nagtitiwala, anupa't ikaw ay naghimagsik laban sa akin? Narito, ikaw ay nagtitiwala sa Ehipto, sa tungkod na ito na tambong wasak, na bubutas sa kamay ng sinumang sumandal dito. Gayon si Faraon na hari ng Ehipto sa lahat ng nagtitiwala sa kanya. Ngunit kung iyong sabihin sa akin, "Kami ay nagtitiwala sa PANGINOON naming Diyos," hindi ba siya'y inalisan ni Hezekias ng matataas na dako at ng mga dambana, at nagsabi sa Juda at sa Jerusalem, "Kayo'y sasamba sa harapan ng dambanang ito?" Magsiparito kayo ngayon, makipagtawaran ka sa aking panginoon na hari ng Asiria. Bibigyan kita ng dalawang libong kabayo, kung ikaw ay makapaglalagay ng mga sasakay sa mga iyon. Paano mo madadaig ang isang kapitan sa pinakamababa sa mga alipin ng aking panginoon, gayong nagtitiwala ka sa Ehipto para sa mga karwahe at sa mga mangangabayo? Bukod dito'y umahon ba ako na di kasama ang PANGINOON laban sa lupaing ito upang ito'y lipulin? Sinabi sa akin ng PANGINOON, Ikaw ay umahon laban sa lupaing ito, at iyong lipulin.'" Nang magkagayo'y sinabi nina Eliakim, Sebna at Joah kay Rabsake, "Hinihiling ko sa iyo na ikaw ay magsalita sa iyong mga lingkod sa wikang Aramaico, sapagkat iyon ay aming naiintindihan. Huwag kang magsalita sa amin sa wikang Judio sa pandinig ng taong-bayan na nasa pader." Ngunit sinabi ni Rabsake, "Sinugo ba ako ng aking panginoon sa iyong panginoon, at sa iyo, upang magsalita ng mga salitang ito at hindi sa mga taong nakaupo sa pader, upang kumain ng kanilang sariling dumi at uminom ng kanilang sariling ihi na kasama ninyo?" Nang magkagayo'y tumayo si Rabsake, at sumigaw nang malakas na tinig sa wikang Judio: "Pakinggan ninyo ang mga salita ng dakilang hari, ang hari ng Asiria! Ganito ang sabi ng hari,'Huwag kayong padaya kay Hezekias, sapagkat hindi niya kayo maililigtas. Huwag ninyong hayaan si Hezekias na kayo'y papagtiwalain sa PANGINOON sa pagsasabing, "Tiyak na ililigtas tayo ng PANGINOON; ang lunsod na ito ay hindi mapapasakamay ng hari ng Asiria." Huwag ninyong pakinggan si Hezekias, sapagkat ganito ang sabi ng hari ng Asiria: Makipagpayapaan kayo sa akin, at humarap kayo sa akin. Kung gayo'y kakain ang bawat isa sa inyo mula sa kanyang puno ng ubas, at ang bawat isa sa kanyang puno ng igos, at bawat isa sa inyo ay iinom ng tubig ng kanyang sariling balon; hanggang sa ako'y dumating at dalhin ko kayo sa isang lupaing gaya ng inyong sariling lupain, na lupain ng trigo at ng alak, na lupain ng tinapay at ng mga ubasan. Mag-ingat kayo na huwag mailigaw ni Hezekias sa pagsasabing, "Ililigtas tayo ng PANGINOON." Nagligtas ba ang sinuman sa mga diyos ng mga bansa ng kanyang lupain sa kamay ng hari ng Asiria? Saan naroon ang mga diyos ng Hamat at ng Arpad? Saan naroon ang mga diyos ng Sefarvaim? Iniligtas ba nila ang Samaria sa aking kamay? Sino sa lahat na diyos ng mga lupaing ito ang nagligtas ng kanilang lupain sa aking kamay, na ililigtas ng PANGINOON ang Jerusalem sa aking kamay?'" Ngunit sila'y tahimik, at hindi sumagot sa kanya ng kahit isang salita, sapagkat ang utos ng hari ay, "Huwag ninyo siyang sagutin." Nang magkagayo'y pumaroon kay Hezekias si Eliakim na anak ni Hilkias, na siyang tagapamahala sa bahay, at si Sebna na kalihim at si Joan na anak ni Asaf na tagapagtala, na punit ang kanilang kasuotan, at sinabi sa kanya ang mga salita ni Rabsake. Nang marinig ito ni Haring Hezekias, pinunit niya ang kanyang kasuotan, at binalot ang sarili ng damit-sako, at pumasok sa bahay ng PANGINOON. At kanyang sinugo sina Eliakim, na katiwala sa bahay, at si Sebna na kalihim, at ang nakatatandang mga pari na may suot na damit-sako, kay Isaias na propeta na anak ni Amoz. Sinabi nila sa kanya, "Ganito ang sabi ni Hezekias, 'Ang araw na ito ay araw ng kalungkutan, ng pagsaway, at ng kahihiyan. Ang mga anak ay ipapanganak na, at walang lakas upang sila'y mailuwal. Marahil ay narinig ng PANGINOON mong Diyos ang mga salita ni Rabsake, na siyang sinugo ng kanyang panginoon na hari ng Asiria upang hamakin ang buhay na Diyos, at sasawayin ang mga salita na narinig ng PANGINOON mong Diyos; kaya't ilakas mo ang iyong dalangin para sa nalabi na naiwan.' " Nang dumating kay Isaias ang mga lingkod ni Haring Hezekias, sinabi ni Isaias sa kanila, "Ganito ang inyong sasabihin sa inyong panginoon, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON: Huwag kang matakot sa mga salita na iyong narinig, na ginamit sa paglapastangan sa akin ng mga lingkod ng hari ng Asiria. Narito, ako'y maglalagay ng espiritu sa kanya, upang siya'y makarinig ng balita at bumalik sa kanyang sariling lupain; at aking pababagsakin siya sa pamamagitan ng tabak sa kanyang sariling lupain.'" Sa gayo'y bumalik si Rabsake, at natagpuan ang hari sa Asiria na nakikipagdigma laban sa Libna; sapagkat nabalitaan niya na nilisan ng hari ang Lakish. Ngayon nga'y nabalitaan ng hari ang tungkol kay Tirhaca na hari ng Etiopia, "Siya'y lumabas upang makipaglaban sa iyo." At nang kanyang marinig ito, siya'y nagpadala ng mga sugo kay Hezekias, na sinasabi, "Ganito ang inyong sasabihin kay Hezekias na hari sa Juda: 'Huwag kang padaya sa iyong Diyos na iyong pinagtitiwalaan na sinasabing ang Jerusalem ay hindi mapapasakamay ng haring Asiria. Narito, nabalitaan mo kung ano ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa lahat ng lupain, na ang mga iyon ay winasak na lubos: At maliligtas ka ba? Iniligtas ba sila ng mga diyos ng mga bansa, ang mga bansa na nilipol ng aking mga magulang, gaya ng Gozan, ng Haran, ng Rezef, at ng mga anak ni Eden na nasa Telasar? Nasaan ang hari sa Hamat, ang hari ng Arpad, ang hari ng lunsod ng Sefarvaim, ang hari ng Hena, o ang hari ng Iva?'" Tinanggap ni Hezekias ang sulat sa kamay ng mga sugo, at binasa ito; at umahon si Hezekias sa bahay ng PANGINOON, at iniladlad ito sa harapan ng PANGINOON. Si Hezekias ay nanalangin sa PANGINOON, "O PANGINOON ng mga hukbo, Diyos ng Israel na nakaupo sa mga kerubin. Ikaw ang Diyos, ikaw lamang, sa lahat ng mga kaharian sa lupa; ikaw ang gumawa ng langit at lupa. Ikiling mo ang iyong pandinig, O PANGINOON, at iyong dinggin. Imulat mo ang iyong mga mata, O PANGINOON, at tumingin ka. Pakinggan mo ang lahat ng salita ni Senakerib, na kanyang ipinasabi upang lapastanganin ang buhay na Diyos. Sa katotohanan, PANGINOON, ang lahat na bansa ay sinira ng mga hari ng Asiria at ang kanilang lupain. Inihagis nila ang kanilang mga diyos sa apoy, sapagkat sila'y hindi mga diyos, kundi mga gawa ng mga kamay ng mga tao, kahoy at bato; kaya't kanilang sinira ang mga ito. Ngayon nga, O PANGINOON naming Diyos, iligtas mo kami sa kanyang kamay, upang makilala ng lahat na kaharian sa lupa, na ikaw lamang ang PANGINOON." Nang magkagayo'y nagsugo si Isaias na anak ni Amoz kay Hezekias, na nagsasabi, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel: Yamang ikaw ay nanalangin sa akin tungkol kay Senakerib na hari ng Asiria, ito ang sinabi ng PANGINOON tungkol sa kanya: 'Hinamak ka ng anak na dalaga ng Zion, tinawanan ka niya — iniiling ng anak na babae ng Jerusalem ang kanyang ulo sa likod mo. 'Sino ang iyong inalipusta at hinamak? Laban kanino mo itinaas ang iyong tinig at may pagmamalaking itinaas mo ang iyong mga mata? Laban nga sa Banal ng Israel! Sa pamamagitan ng iyong mga lingkod ay hinamak mo ang PANGINOON, at sinabi mo, "Sa pamamagitan ng marami kong karwahe, nakaahon ako sa tuktok ng mga bundok, sa pinakamalalayong bahagi ng Lebanon. Aking pinutol ang matatayog na sedro niyon, at ang mga piling sipres niyon; ako'y dumating sa pinakataluktok na kataasan, ng pinakamakapal na gubat. Ako'y humukay ng balon at uminom ng tubig, at aking tinuyo ang lahat ng mga ilog sa Ehipto sa pamamagitan ng talampakan ng aking mga paa. 'Hindi mo ba nabalitaan na iyon ay aking ipinasiya noon pa? Aking pinanukala noong mga nakaraang panahon, ngayo'y aking pinapangyari na maganap at mangyayaring iyong gibain ang mga may pader na lunsod upang maging mga nakaguhong bunton, kaya ang kanilang mga mamamayan ay kulang sa lakas, nanlupaypay at napahiya. Sila'y naging parang damo sa bukid, at tulad ng sariwang gulayin, parang damo sa mga bubungan, na natuyo na bago pa tumubo. 'Nalalaman ko ang iyong pag-upo, at ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok, at ang iyong galit laban sa akin. Dahil sa iyong galit laban sa akin, at ang iyong kapalaluan ay nakarating sa aking mga pandinig, ilalagay ko ang aking kawit sa iyong ilong, at ang aking pamingkaw sa iyong bibig, at pababalikin kita sa daan na iyong pinanggalingan.' "At ito ang magiging tanda sa iyo: sa taong ito kainin ninyo ang tumutubo sa kanyang sarili, at sa ikalawang taon ay kung ano ang tumubo doon; at sa ikatlong taon kayo'y maghasik at mag-ani, at magtanim ng mga ubasan, at kumain ng bunga niyon. At ang nakaligtas na nalabi sa sambahayan ni Juda ay muling mag-uugat pailalim, at magbubunga paitaas. Sapagkat sa Jerusalem ay lalabas ang nalabi, at mula sa Bundok ng Zion ay pangkat ng naligtas. Isasagawa ito ng sigasig ng PANGINOON ng mga hukbo. "Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON tungkol sa hari ng Asiria: Siya'y hindi paparito sa lunsod na ito o magpapahilagpos man ng palaso diyan, o haharap man siya diyan na may kalasag, o magkukubkob laban diyan. Sa daan na kanyang pinanggalingan, doon din siya babalik, at hindi siya paparito sa lunsod na ito, sabi ng PANGINOON. Sapagkat aking ipagtatanggol ang bayang ito upang iligtas, alang-alang sa akin, at dahil sa aking lingkod na si David." At ang anghel ng PANGINOON ay humayo at pumatay sa kampo ng mga taga-Asiria ng isandaan walumpu't limang libo; at nang ang mga tao ay maagang bumangon kinaumagahan, narito, silang lahat ay mga bangkay. Sa gayo'y umalis si Senakerib na hari ng Asiria, bumalik at nanirahan sa Ninive. At nang siya'y sumasamba sa bahay ni Nisroc na kanyang diyos, pinatay siya ng tabak nina Adramalec at Sharezer na kanyang mga anak at sila'y tumakas sa lupain ng Ararat. At si Esarhadon na kanyang anak ang nagharing kapalit niya. Nang mga araw na iyon, nagkasakit si Hezekias at halos mamamatay na siya. At si Isaias na propeta na anak ni Amoz ay pumunta sa kanya, at nagsabi sa kanya, "Ganito ang sabi ng PANGINOON: Ayusin mo ang iyong sambahayan; sapagkat ikaw ay mamamatay, at hindi ka na mabubuhay." Nang magkagayo'y ibinaling ni Hezekias ang kanyang mukha sa dingding, at nanalangin sa PANGINOON. Kanyang sinabi, "Alalahanin mo, O PANGINOON, ipinapakiusap ko sa iyo, kung paanong ako'y lumakad sa harap mo ng may katapatan at buong puso, at gumawa ng mabuti sa iyong paningin." At si Hezekias ay umiyak na may kapaitan. Nang magkagayo'y dumating ang salita ng PANGINOON kay Isaias: "Humayo ka at sabihin mo kay Hezekias, Ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ni David na iyong ama: Aking narinig ang iyong panalangin, aking nakita ang iyong mga luha; narito, aking daragdagan ng labinlimang taon ang iyong buhay. At aking ililigtas ka at ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria, at ipagtatanggol ko ang lunsod na ito. "Ito ang magiging tanda sa iyo mula sa PANGINOON, na gagawin ng PANGINOON ang bagay na ito na kanyang ipinangako: Narito, aking pababalikin ang anino sa mga baytang na pinababa sa mga baytang ni Ahaz sa pamamagitan ng araw ng sampung baytang." Sa gayo'y umurong ang anino ng araw ng sampung baytang sa mga baytang na binabaan nito. Ang sulat ni Hezekias na hari sa Juda, nang siya'y magkasakit, at gumaling sa kanyang sakit: Aking sinabi, Sa kalagitnaan ng aking buhay ay papasok ako sa mga pintuan ng Sheol. Ako'y pinagkaitan sa mga nalalabi kong mga taon. Aking sinabi, hindi ko makikita ang PANGINOON, sa lupain ng nabubuhay; hindi ko na makikita pa ang tao, na kasama ng mga naninirahan sa sanlibutan. Ang tirahan ko'y binunot, at inilayo sa akin na gaya ng tolda ng pastol; gaya ng manghahabi ay binalumbon ko ang aking buhay; kanyang ihihiwalay ako sa habihan; mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako. Hanggang sa kinaumagahan, ako'y humingi ng saklolo, katulad ng leon ay binali niya ang lahat kong mga buto; mula sa araw hanggang sa kinagabihan ay tatapusin mo ako. Gaya ng langay-langayan o ng tagak ay humihibik ako; ako'y tumatangis na parang kalapati. Ang aking mga mata ay nangangalumata sa pagtingala; O Panginoon, naaapi ako, ikaw nawa'y maging katiwasayan ko! Ngunit ano ang aking masasabi? Sapagkat siya'y nagsalita sa akin, at kanya namang ginawa. Lahat ng tulog ko ay nakatakas, dahil sa paghihirap ng aking kaluluwa. O Panginoon, sa pamamagitan ng mga bagay na ito, nabubuhay ang mga tao; at nasa lahat ng ito ang buhay ng aking espiritu. Kaya't ibalik mo ang aking lakas, at ako'y buhayin mo! Narito, tiyak na para sa aking kapakanan ay nagtamo ako ng malaking kahirapan; ngunit iyong pinigil ang aking buhay mula sa hukay ng pagkawasak, sapagkat iyong itinapon ang lahat ng aking mga kasalanan sa iyong likuran. Sapagkat hindi ka maaaring pasalamatan ng Sheol, hindi ka maaaring purihin ng kamatayan! Silang nagsisibaba sa hukay ay hindi makakaasa sa iyong katapatan. Ang buhay, ang buhay, siya'y nagpapasalamat sa iyo, gaya ng ginagawa ko sa araw na ito; ipinaalam ng ama sa mga anak ang iyong katapatan. Ang PANGINOON ang magliligtas sa akin, at kami ay aawit sa saliw ng mga panugtog na kawad, sa lahat ng araw ng aming buhay sa bahay ng PANGINOON. Sinabi ni Isaias, "Magsikuha sila ng isang kimpal na igos, at ilagay na tapal sa bukol upang siya'y gumaling." Sinabi rin ni Hezekias, "Ano ang tanda na ako'y aakyat sa bahay ng PANGINOON?" Nang panahong yaon, si Merodac-baladan na anak ni Baladan, na hari ng Babilonia, ay nagpadala ng mga sugo na may dalang mga sulat at regalo kay Hezekias, sapagkat nabalitaan niya na siya'y nagkasakit at gumaling. At natuwa si Hezekias dahil sa kanila, at ipinakita sa kanila ang taguan ng kanyang kayamanan, ang pilak, ang ginto, ang mga pabango, ang mahalagang langis, ang lahat ng kanyang sandata, at lahat na nandoon sa kanyang mga imbakan. Walang bagay sa kanyang bahay, o sa buong sakop man niya, na hindi ipinakita ni Hezekias sa kanila. Nang magkagayo'y pumunta si Isaias na propeta kay Haring Hezekias, at sinabi sa kanya, "Anong sinabi ng mga lalaking ito? At saan sila nanggaling upang makipagkita sa iyo?" Sinabi ni Hezekias, "Sila'y nagsiparito sa akin mula sa malayong lupain, mula sa Babilonia." Kanyang sinabi, "Ano ang kanilang nakita sa iyong bahay?" At sumagot si Hezekias, "Lahat ng nasa aking bahay ay kanilang nakita; walang anumang bagay sa aking mga imbakan na hindi ko ipinakita sa kanila." Nang magkagayo'y sinabi ni Isaias kay Hezekias, "Iyong pakinggan ang salita ng PANGINOON ng mga hukbo: Narito ang mga araw ay dumarating, na ang lahat na nasa iyong bahay, at ang mga inipon ng iyong mga ninuno hanggang sa araw na ito, ay dadalhin sa Babilonia; walang maiiwan, sabi ng PANGINOON. At ang iba sa iyong mga anak na ipapanganak sa iyo ay dadalhin. Sila'y magiging mga eunuko sa bahay ng hari ng Babilonia." Nang magkagayo'y sinabi ni Hezekias kay Isaias, "Mabuti ang salita ng PANGINOON na iyong sinabi." Sapagkat kanyang sinabi, "Magkakaroon ng kapayapaan at katotohanan sa aking mga araw." Inyong aliwin, inyong aliwin ang aking bayan, sabi ng inyong Diyos. Magsalita kayo nang sa puso sa Jerusalem, at sabihin ninyo sa kanya, na ang kanyang pakikipagdigma ay tapos na, na ang kanyang kasamaan ay pinatawad, sapagkat siya'y tumanggap sa kamay ng PANGINOON ng ibayong bahagi para sa lahat niyang kasalanan. Ang tinig ng isang sumisigaw: "Ihanda ninyo sa ilang ang daan ng PANGINOON, tuwirin ninyo sa ilang ang lansangan para sa ating Diyos. Bawat libis ay matataas, at bawat bundok at burol ay mabababa; ang mga baku-bako ay matutuwid, at ang mga hindi pantay na dako ay mapapatag. At ang kaluwalhatian ng PANGINOON ay mahahayag, at sama-samang makikita ng lahat ng laman, sapagkat sinalita ng bibig ng PANGINOON." Sinasabi ng isang tinig, "Ikaw ay dumaing!" At sinabi ko, "Ano ang aking idadaing?" Lahat ng laman ay damo, at lahat niyang kagandahan ay parang bulaklak ng parang. Ang damo ay natutuyo, at ang bulaklak ay nalalanta, kapag ang hininga ng PANGINOON ay humihihip doon; tunay na ang mga tao ay damo. Ang damo ay natutuyo, ang bulaklak ay nalalanta; ngunit ang salita ng ating Diyos ay mamamalagi magpakailanman. Umakyat ka sa mataas na bundok, O Zion, tagapagdala ng mabubuting balita; itaas mo ang iyong tinig na may kalakasan, O Jerusalem, tagapagdala ng mabubuting balita, itaas mo, huwag kang matakot; sabihin mo sa mga lunsod ng Juda, "Tingnan ang inyong Diyos!" Narito, ang Panginoong DIYOS ay darating na may kapangyarihan, at ang kanyang kamay ay mamumuno para sa kanya; narito, ang kanyang gantimpala ay dala niya, at ang kanyang ganti ay nasa harapan niya. Kanyang pakakainin ang kanyang kawan na gaya ng pastol, kanyang titipunin ang mga kordero sa kanyang bisig, at dadalhin sila sa kanyang kandungan, at maingat na papatnubayan iyong may mga anak. Sino ang tumakal ng tubig sa palad ng kanyang kamay, at sumukat sa langit ng sa pamamagitan ng dangkal, at nagsilid ng alabok ng lupa sa isang takal, at tumimbang ng mga bundok sa mga timbangan, at ng mga burol sa timbangan? Sinong pumatnubay sa Espiritu ng PANGINOON, o bilang kanyang tagapayo ay nagturo sa kanya? Kanino siya humingi ng payo upang maliwanagan, at nagturo sa kanya sa landas ng katarungan, at nagturo sa kanya ng kaalaman, at nagpakilala sa kanya ng daan ng pagkaunawa? Masdan mo, ang mga bansa ay parang isang patak ng tubig sa timba, itinuturing na parang alabok sa timbangan; masdan mo, kanyang itinataas ang mga pulo na parang pinong alabok. Ang Lebanon ay hindi sapat upang maging panggatong, ni ang mga hayop niyon ay sapat na handog na sinusunog. Lahat ng mga bansa ay parang walang anuman sa harap niya; kanyang itinuring ang mga ito na mas kulang pa sa wala at walang laman. Kanino nga ninyo itutulad ang Diyos? O anong wangis ang ihahambing ninyo sa kanya? Sa larawang inanyuan! Hinulma ito ng manggagawa, at binabalot ito ng ginto ng platero, at hinulmahan ito ng mga pilak na kuwintas. Siyang napakadukha ay pumipili bilang handog ng kahoy na hindi mabubulok; siya'y humahanap ng isang bihasang manlililok upang gumawa ng larawang inanyuan ha hindi makakakilos. Hindi ba ninyo nalaman? Hindi ba ninyo narinig? Hindi ba sinabi sa inyo mula nang una? Hindi ba ninyo naunawaan bago pa inilagay ang mga pundasyon ng lupa? Siya ang nakaupo sa balantok ng lupa, at ang mga naninirahan doon ay parang mga balang; siyang naglaladlad ng langit na parang tabing, at inilaladlad ang mga iyon na parang tolda upang tirahan; na dinadala sa wala ang mga pinuno, at ginagawang walang kabuluhan ang mga hukom ng lupa. Oo, sila'y hindi nagtatanim, oo, sila'y hindi naghahasik, oo, ang kanilang puno ay hindi nag-uugat sa lupa, at humihihip din siya sa kanila at sila'y natutuyo, at tinatangay sila ng ipu-ipo na gaya ng dayami. Kanino nga ninyo ako itutulad, upang makatulad niya ako? sabi ng Banal. Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas, at tingnan ninyo kung sinong lumikha ng mga ito? Siya na naglalabas ng kanilang hukbo ayon sa bilang; tinatawag niya sila ayon sa pangalan; sa pamamagitan ng kadakilaan ng kanyang kapangyarihan, at dahil sa siya'y malakas sa kapangyarihan ay walang nagkukulang. Bakit sinasabi mo, O Jacob, at sinasalita mo, O Israel, "Ang daan ko ay lingid sa PANGINOON, at nilalagpasan ng aking Diyos ang kahatulan ko"? Hindi mo ba nalaman? Hindi mo ba narinig? Ang PANGINOON ang walang hanggang Diyos, ang Lumikha ng mga dulo ng lupa. Hindi siya nanghihina, o napapagod man; walang makatatarok ng kanyang kaunawaan. Siya'y nagbibigay ng lakas sa mahina; at sa kanya na walang kapangyarihan ay dinadagdagan niya ang kalakasan. Maging ang mga kabataan ay manghihina at mapapagod, at ang mga binata ay lubos na mabubuwal; ngunit silang naghihintay sa PANGINOON ay magpapanibagong lakas, sila'y paiilanglang na may mga pakpak na parang mga agila, sila'y tatakbo at hindi mapapagod, sila'y lalakad, at hindi manghihina. Tahimik kayong makinig sa akin, O mga lupain sa baybayin; hayaang magpanibagong lakas ang mga bayan; hayaang lumapit sila, at hayaang magsalita sila; tayo'y sama-samang lumapit para sa kahatulan. Sinong nagbangon ng matuwid sa silangan, na kaniyang tinawag sa kanyang paanan? Siya'y nagbibigay ng mga bansa sa harap niya, pinasusuko niya ang mga hari; kanyang ginagawa silang parang alabok sa kanyang tabak, na parang pinaspas na dayami ng kanyang busog. Kanyang hinahabol sila at lumalampas na payapa sa mga daang hindi dinaanan ng kanyang mga paa. Sinong nagbalak at nagsagawa nito, na tumawag ng mga salinlahi mula nang pasimula? Akong PANGINOON, ang una, at kasama ng huli, Ako nga. Nakita ng mga pulo, at natakot, ang mga dulo ng lupa ay nanginig; sila'y lumapit, at pumarito. Bawat tao'y tumutulong sa kanyang kapwa, at sinasabi sa kanyang kapatid, "Ikaw ay magpakatapang!" Pinasisigla ng karpintero ang platero, at pinasisigla ng gumagamit ng pamukpok ang pumupukpok ng palihan, na sinasabi tungkol sa paghinang, "Mabuti"; at kanyang inilalapat ng mga pako, upang huwag makilos. Ngunit ikaw, Israel, lingkod ko, Jacob, na siyang aking pinili, na binhi ni Abraham na aking kaibigan; ikaw na aking kinuha mula sa mga dulo ng lupa, at tinawag kita mula sa mga pinakamalayong sulok niyon, na sinasabi sa iyo, "Ikaw ay aking lingkod, aking pinili ka at hindi kita itinakuwil"; huwag kang matakot, sapagkat ako'y kasama mo, huwag kang mabalisa, sapagkat ako'y Diyos mo; aking palalakasin ka, oo, ikaw ay aking tutulungan; oo, ikaw ay aking aalalayan ng kanang kamay ng aking katuwiran. Narito, silang lahat na nagagalit sa iyo ay mapapahiya at malilito: silang nakikipaglaban sa iyo ay mawawalan ng kabuluhan at mapapahamak. Iyong hahanapin sila na nakikipaglaban sa iyo, ngunit hindi mo sila matatagpuan; silang nakikipagdigma laban sa iyo ay matutulad sa wala. Sapagkat ako, ang PANGINOON mong Diyos, ang humahawak ng iyong kanang kamay; ako na nagsasabi sa iyo, "Huwag kang matakot, ikaw ay aking tutulungan." Huwag kang matakot, ikaw na uod na Jacob, at kayong mga lalaki ng Israel! aking tutulungan ka, sabi ng PANGINOON, ang iyong Manunubos ay ang Banal ng Israel. Narito, ginawa kitang bagong matalas na kasangkapang panggiik, na may mga ngipin; iyong gigiikin ang mga bundok, at dudurugin ang mga iyon, at iyong gagawing parang ipa ang mga burol. Iyong tatahipan sila, at tatangayin ng hangin, at pangangalatin ng ipu-ipo. At ikaw ay magagalak sa PANGINOON, at iyong luluwalhatiin ang Banal ng Israel. Kapag ang dukha at nangangailangan ay humahanap ng tubig, at wala, at ang kanilang dila ay natutuyo dahil sa uhaw, akong PANGINOON ay sasagot sa kanila, akong Diyos ng Israel ay hindi magpapabaya sa kanila. Ako'y magbubukas ng mga ilog sa mga lantad na kaitaasan, at ng mga bukal sa gitna ng mga libis; aking gagawin ang ilang na lawa ng tubig, at ang tuyong lupain ay mga bukal ng tubig. Aking itatanim sa ilang ang sedro, ang puno ng akasya, at ang arayan, at ang olibo; aking ilalagay na magkakasama sa ilang ang sipres na puno, ang alerses at pino; upang makita at malaman ng mga tao, isaalang-alang at sama-samang unawain, na ginawa ito ng kamay ng PANGINOON, at nilikha ito ng Banal ng Israel. Iharap ninyo ang inyong usapin, sabi ng PANGINOON; dalhin ninyo ang inyong mga matibay na dahilan, sabi ng Hari ni Jacob. Hayaang dalhin nila, at ipahayag sa amin kung anong mangyayari. Sabihin sa amin ang mga dating bagay, kung ano ang mga iyon, upang aming malaman ang kalalabasan nila; o ipahayag ninyo sa amin ang mga bagay na darating. Inyong ipahayag ang mga bagay na darating pagkatapos, upang aming malaman na kayo'y mga diyos; oo, kayo'y gumawa ng mabuti, o gumawa ng kasamaan, upang kami ay mawalan ng loob at mamasdan naming sama-sama. Narito, kayo'y bale-wala, at walang kabuluhan ang inyong gawa; kasuklamsuklam siya na pumipili sa inyo. May ibinangon ako mula sa hilaga, at siya'y dumating; mula sa sikatan ng araw ay tatawag siya sa aking pangalan; siya'y paroroon sa mga pinuno na parang pambayo, gaya ng magpapalayok na tumatapak sa luwad. Sinong nagpahayag noon mula nang pasimula upang aming malaman? At nang una, upang aming masabi, "Siya'y matuwid"? Oo, walang nagpahayag, oo, walang nagsalita, oo, walang nakinig ng inyong mga salita. Ako'y unang magsasabi sa Zion, narito, narito sila; at ako'y magbibigay sa Jerusalem ng isa na nagdadala ng mga mabuting balita. Ngunit nang ako'y tumingin ay walang tao, sa gitna nila ay walang tagapayo na makapagbibigay ng sagot, kapag nagtatanong ako. Narito, silang lahat ay masama; ang kanilang mga gawa ay walang kabuluhan, ang kanilang mga larawang inanyuan ay hangin at walang laman. Narito ang aking lingkod, na aking inaalalayan; ang aking hinirang, na kinalulugdan ng aking kaluluwa. Inilagay ko ang aking Espiritu sa kanya; siya'y maglalapat ng katarungan sa mga bansa. Siya'y hindi sisigaw, o maglalakas man ng tinig, o ang kanyang tinig man sa lansangan ay iparirinig. Ang gapok na tambo ay hindi niya babaliin, ni ang mitsa na bahagyang nagniningas ay hindi niya papatayin; siya'y tapat na maglalapat ng katarungan. Siya'y hindi manlulupaypay o madudurog man, hanggang sa maitatag niya sa lupa ang katarungan; at ang mga pulo ay maghihintay sa kanyang kautusan. Ganito ang sabi ng Diyos, ang PANGINOON, na lumikha ng langit, at nagladlad ng mga iyon; siyang naglatag ng lupa at ang nagmula rito, siyang nagbibigay ng hininga sa mga tao nito, at ng espiritu sa kanila na nagsisilakad dito: "Ako ang PANGINOON, tinawag ko kayo sa katuwiran, kinuha ko kayo sa pamamagitan ng kamay, at kayo'y iniingatan, at ibinigay kita sa bayan bilang tipan, isang liwanag sa mga bayan, upang imulat ang mga bulag na mata, upang ilabas ang mga bilanggo sa bilangguan, at silang nakaupo sa kadiliman mula sa bilangguan. Ako ang PANGINOON, iyon ang aking pangalan; hindi ko ibibigay sa iba ang aking kaluwalhatian, o ang akin mang kapurihan sa mga larawang inanyuan. Narito, ang mga dating bagay ay lumipas na, at ang mga bagong bagay ay ipinahahayag ko; bago sila lumitaw ay sinasabi ko sa inyo ang tungkol sa kanila." Umawit kayo sa PANGINOON ng bagong awit, at ng kapurihan niya mula sa dulo ng lupa! Kayong bumababa sa dagat at ang lahat na nariyan, ang mga pulo, at mga doon ay naninirahan. Maglakas ng kanilang tinig ang ilang at ang mga bayan niyon, ang mga nayon na tinitirhan ng Kedar; umawit ang mga naninirahan sa Sela, magsigawan sila mula sa mga tuktok ng mga bundok. Magbigay luwalhati sila sa PANGINOON, at magpahayag ng kanyang kapurihan sa mga pulo. Ang PANGINOON ay lalabas na parang mandirigma, pinupukaw niya ang kanyang galit na parang lalaking mandirigma; siya'y sisigaw, oo siya'y sisigaw nang malakas, at magtatagumpay laban sa kanyang mga kaaway. Ako'y tumahimik nang matagal, ako'y hindi kumibo, at nagpigil ako; ngayo'y sisigaw akong parang nanganganak na babae, ako'y hihingal at hahapuin. Ang mga bundok at mga burol ay aking wawasakin, at ang lahat nilang mga pananim ay aking tutuyuin; ang mga ilog ay gagawin kong mga pulo, at ang mga lawa ay aking tutuyuin. At aking aakayin ang bulag sa daan na hindi nila nalalaman; sa mga landas na hindi nila nalalaman sila ay aking papatnubayan. Aking gagawing liwanag ang kadiliman sa kanilang harapan, at ang mga baku bakong lugar ay papatagin. Ang mga bagay na ito ay aking gagawin sa kanila, at hindi ko sila pababayaan. Sila'y mapapaurong at ganap na mapapahiya, sila na sa mga larawang inanyuan ay nagtitiwala, na nagsasabi sa mga larawang hinulma, "Kayo'y aming mga diyos." Makinig kayong mga bingi; at tumingin kayong mga bulag, upang kayo'y makakita! Sino ang bulag kundi ang aking lingkod? o ang bingi, na gaya ng aking sugo na aking sinusugo? Sino ang bulag na gaya niya na nasa kapayapaan, at bulag na gaya ng lingkod ng PANGINOON? Ikaw na nakakakita ng maraming bagay, ngunit hindi mo ginagawa ang mga ito; ang kanyang mga tainga ay bukas, ngunit hindi siya nakakarinig. Nalugod ang PANGINOON, alang-alang sa kanyang katuwiran, upang dakilain ang kanyang kautusan at gawing marangal. Ngunit ito ay isang bayang ninakawan at sinamsaman, silang lahat ay nasilo sa mga hukay, at nakakubli sa mga bilangguan; sila'y naging biktima at walang magligtas, isang samsam, at walang magsabi, "Iyong panunumbalikin!" Sino sa inyo ang makikinig nito, na papansin at makikinig para sa panahong darating? Sino ang nagbigay ng Jacob sa mananamsam, at ng Israel sa mga magnanakaw? Hindi ba ang PANGINOON, na laban sa kanya ay nagkasala tayo, at hindi sila magsilakad sa kanyang mga daan, o naging masunurin man sila sa kanyang kautusan? Kaya't ibinuhos niya sa kanya ang init ng kanyang galit, at ang lakas ng pakikipagbaka; at nilagyan siya nito ng apoy sa palibot, gayunma'y hindi niya nalaman; at sinunog siya nito, gayunma'y hindi niya ito inilagay sa kanyang puso. Ngunit ngayo'y ganito ang sabi ng PANGINOON, siya na lumalang sa iyo, O Jacob, siya na nag-anyo sa iyo, O Israel: "Huwag kang matakot, sapagkat ikaw ay tinubos ko; tinawag kita sa pangalan mo, ikaw ay akin. Kapag ikaw ay dumaraan sa tubig, ako'y makakasama mo; at sa pagtawid sa mga ilog ay hindi ka nila aapawan, kapag ikaw ay lumalakad sa apoy, hindi ka masusunog; at hindi ka tutupukin ng apoy. Sapagkat ako ang PANGINOON mong Diyos, ang Banal ng Israel, ang iyong Tagapagligtas. Aking ibinigay ang Ehipto bilang pantubos sa iyo, ang Etiopia at ang Seba bilang kapalit mo. Sapagkat ikaw ay mahalaga sa aking paningin, at kagalang-galang, at minamahal kita, nagbibigay ako ng mga tao na pamalit sa iyo, at mga bayan na kapalit ng buhay mo. Huwag kang matakot, sapagkat ako'y kasama mo; aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silangan, at titipunin kita mula sa kanluran. Aking sasabihin sa hilaga, Hayaan mo, at sa timog, Huwag mong pigilin; dalhin mo rito ang aking mga anak na lalaki na sa malayo nagmula, at ang aking mga anak na babae na mula sa mga dulo ng lupa, bawat tinatawag sa aking pangalan, sila na aking nilikha ay para sa aking kaluwalhatian, oo, yaong aking inanyuan, oo, yaong aking ginawa." Iyong ilabas ang mga taong bulag, gayunma'y may mga mata, na mga bingi, gayunma'y may mga tainga! Hayaang sama-samang magtipon ang lahat na bansa, at magpulong ang mga bayan. Sino sa kanila ang makapagpapahayag nito, at makapagsasabi sa amin ng mga dating bagay? Dalhin nila ang kanilang mga saksi, upang sila'y mapawalang-sala, at dinggin nila, at sabihin, Katotohanan nga. "Kayo'y aking mga saksi," sabi ng PANGINOON, "at aking lingkod na aking pinili, upang inyong malaman at manampalataya kayo sa akin, at inyong maunawaan na Ako nga. Walang diyos na inanyuan na una sa akin, o magkakaroon man pagkatapos ko. Ako, ako ang PANGINOON, at liban sa akin ay walang tagapagligtas. Ako'y nagpahayag, ako'y nagligtas, at ako'y nagpakilala, nang walang ibang diyos sa gitna ninyo; at kayo ang aking mga saksi," sabi ng PANGINOON. "Ako ang Diyos, at mula sa walang hanggan ay ako nga; walang sinumang makapagliligtas mula sa aking kamay; ako'y gumagawa at sinong pipigil?" Ganito ang sabi ng PANGINOON, na inyong Manunubos, ang Banal ng Israel: "Dahil sa inyo ay magsusugo ako sa Babilonia, at aking ibinaba silang lahat na parang mga palaboy, at ang sigawan ng mga Caldeo ay magiging panaghoy. Ako ang PANGINOON, ang inyong Banal, ang Maylalang ng Israel, ang inyong Hari." Ganito ang sabi ng PANGINOON, na gumagawa ng daan sa dagat, at sa malalawak na tubig ay mga landas, na nagpalabas ng karwahe at kabayo, ng hukbo at ng mandirigma; sila'y magkasamang humihiga, hindi sila makabangon, sila'y namamatay, nauupos na parang mitsa. "Huwag ninyong alalahanin ang mga dating bagay, o isaalang-alang man ang mga bagay nang una. Narito, ako'y gagawa ng isang bagong bagay; ngayon iyon ay lalabas; hindi ba ninyo malalaman iyon? Gagawa ako ng daan sa ilang, at ng mga ilog sa disyerto. Pararangalan ako ng mababangis na hayop ng mga asong-gubat at ng mga avestruz; sapagkat ako'y nagbibigay ng tubig sa ilang, at ng mga ilog sa disyerto, upang bigyan ng inumin ang pinili kong bayan. ang bayan na aking inanyuan para sa aking sarili, upang kanilang ipahayag ang aking kapurihan. "Gayunma'y hindi ka tumawag sa akin, O Jacob; kundi ikaw ay nayamot sa akin, 0 Israel! Hindi mo dinala sa akin ang iyong tupa para sa handog na sinusunog, o pinarangalan mo man ako ng iyong mga handog. Hindi ko ipinapasan sa iyo ang mga handog, o pinahirapan ka man sa pamamagitan ng kamanyang. Hindi mo ako ibinili ng mabangong kalamo sa halaga ng salapi, o binusog mo man ako ng taba ng iyong mga handog. Kundi pinagpasan mo ako ng iyong mga kasalanan, iyong pinahirapan ako ng iyong mga kasamaan. Ako, ako nga ang siyang pumapawi ng iyong mga pagsuway alang-alang sa akin, at hindi ko aalalahanin ang iyong mga kasalanan. Ilagay mo ako sa alaala, tayo'y kapwa mangatuwiran; sabihin mo upang ikaw ay mapatunayang matuwid. Ang iyong unang ama ay nagkasala, at ang iyong mga tagapagsalita ay nagsisalangsang laban sa akin. Kaya't aking durungisan ang mga pinuno ng santuwaryo, at dadalhin ko ang Jacob sa pagkawasak at ang Israel sa pagkakutya. "Ngunit ngayo'y pakinggan mo, O Jacob na aking lingkod, at Israel na aking pinili! Ganito ang sabi ng PANGINOON na lumalang sa iyo, at mula sa sinapupunan ay nagbigay sa iyo ng anyo, na siyang tutulong sa iyo: Huwag kang matakot, 0 Jacob na aking lingkod; Jeshurun, na aking pinili. Sapagkat bubuhusan ko ng tubig ang uhaw na lupa, at ng mga bukal ang tuyong lupa; aking ibubuhos ang aking Espiritu sa lahi mo, at ang aking pagpapala sa mga anak mo. Sila'y sisibol sa gitna ng mga damo, gaya ng sauce, tulad ng mga halaman sa dumadaloy na batis. Sasabihin ng isang ito, 'Ako'y sa PANGINOON,' at tatawaging Jacob ng iba ang kanyang sarili, at isusulat ng iba sa kanyang kamay, 'Sa PANGINOON,' at tatawagin ang kanyang sarili sa pangalang Israel." Ganito ang sabi ng PANGINOON, ang Hari ng Israel, at ng kanyang Manunubos, na PANGINOON ng mga hukbo: "Ako ang una at ang huli; at liban sa akin ay walang Diyos. At sino, na gaya ko, tatawag, at magpapahayag, at mag-aayos sa ganang akin, mula nang aking itatag ang matandang bayan? at ang mga bagay na dumarating, at ang mangyayari, ay ipahahayag nila. Kayo'y huwag matakot, o mangilabot man hindi ko ba ipinahayag sa iyo nang una, at sinabi iyon? At kayo ang aking mga saksi! May Diyos ba liban sa akin? Oo, walang malaking Bato; ako'y walang nakikilalang iba." Lahat ng gumagawa ng mga diyus-diyosan ay walang kabuluhan, at ang mga bagay na kanilang kinalulugdan ay hindi mapapakinabangan. At ang kanilang mga saksi ay hindi nakakakita ni nakakaalam, upang sila'y mapahiya. Sino ang nag-anyo sa isang diyos, o naghulma ng larawang inanyuan, na di pakikinabangan sa anuman? Narito, lahat ng kanyang kasama ay mapapahiya; ang mga manggagawa ay mga tao lamang. Hayaang magtipon silang lahat, hayaan silang magsitayo; sila'y matatakot, sila'y sama-samang mapapahiya. Ang panday na may kagamitang bakal ay gumagawa nito sa mga baga, at sa pamamagitan ng mga pamukpok, siya'y humuhugis sa pamamagitan ng malakas na bisig. Siya'y nagugutom, at ang kanyang lakas ay nawawala, siya'y hindi umiinom ng tubig, at nanghihina. Ang karpintero ay nag-uunat ng isang pising panukat, kanyang tinatandaan iyon ng lapis, kanyang inaanyuan sa pamamagitan ng mga katam at tinatandaan ng mga kompas. Hinuhugisan niya ito ayon sa anyo ng tao, ayon sa kagandahan ng tao, upang manirahan sa bahay. Pumuputol siya para sa kanya ng mga sedro, at kumukuha siya ng puno ng roble at ng ensina, pinapatibay niya para sa kanya sa gitna ng mga punungkahoy sa gubat. Siya'y nagtatanim ng puno ng abeto, at pinalalago iyon ng ulan. Pagkatapos iyon ay magiging panggatong para sa tao; kumukuha siya ng bahagi nito upang ipagpainit sa sarili. Siya'y nagsisindi ng apoy at nagluluto ng tinapay. Gagawa rin siya ng isang diyos, at sasambahin iyon; ginagawa niya itong larawang inanyuan at lumuluhod sa harapan niyon. Kanyang ginagatong ang kalahati niyon sa apoy, at ang kalahati nito ay ikinakain niya ng karne, siya'y nag-iihaw ng iihawin at nasisiyahan. Siya'y nagpapainit din at nagsasabi, 'Aha, ako'y naiinitan, aking nakikita ang apoy!" At ang nalabi ay ginagawa niyang diyos, ang kanyang diyus-diyosan. Kanya itong niluluhuran at sinasamba, dinadalanginan, at nagsasabi, "Iligtas mo ako; sapagkat ikaw ay aking diyos!" Hindi nila nalalaman, o nauunawaan man; sapagkat ipinikit niya ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag makakita; at ang kanilang mga puso, upang huwag silang makaunawa. At walang nakakaalala o mayroon mang kaalaman, o pang-unawa upang magsabi, "Aking sinunog ang kalahati niyon sa apoy; ako ay nagluto din ng tinapay sa mga baga niyon; ako'y nag-ihaw ng karne at kinain ko; at gagawin ko ba ang nalabi niyon na kasuklamsuklam? Magpapatirapa ba ako sa isang pirasong kahoy?" Siya'y kumakain ng abo; iniligaw siya ng nadayang kaisipan, at hindi niya mailigtas ang kanyang kaluluwa, o makapagsabi, "Wala bang kasinungalingan sa aking kanang kamay?" Iyong alalahanin ang mga bagay na ito, O Jacob, at Israel, sapagkat ikaw ay aking lingkod; aking inanyuan ka, ikaw ay aking lingkod; O Israel, ikaw ay hindi ko malilimutan. Aking pinawi na parang ulap ang mga pagsuway mo, at ang iyong mga kasalanan na gaya ng ambon, manumbalik ka sa akin sapagkat ikaw ay tinubos ko. Umawit ka, O langit, sapagkat ginawa iyon ng PANGINOON; kayo'y sumigaw, O mga mababang bahagi ng lupa; kayo'y biglang mag-awitan, O mga bundok, O gubat, at bawat punungkahoy doon! Sapagkat tinubos ng PANGINOON ang Jacob, at luluwalhatiin ang kaniyang sarili sa Israel. Ganito ang sabi ng PANGINOON, ang iyong Manunubos, at nag-anyo sa iyo mula sa sinapupunan: "Ako ang PANGINOON na gumagawa ng lahat na bagay; na mag-isang nagladlad ng mga langit, na naglatag ng lupa — sinong kasama ko? na bumibigo sa mga tanda ng mga sinungaling, at ginagawang hangal ang mga manghuhula; na nagpapaurong sa mga pantas, at ginagawang kahangalan ang kanilang kaalaman; na nagpapatunay sa salita ng kanyang lingkod, at nagsasagawa ng payo ng kanyang mga sugo; na nagsasabi ng tungkol sa Jerusalem, 'Siya'y paninirahan;' at tungkol sa mga lunsod ng Juda, 'Matatayo sila, at aking ibabangon ang kanilang pagkaguho.' Na nagsasabi sa kalaliman, 'Ikaw ay matuyo, aking tutuyuin ang iyong mga ilog;' na nagsasabi tungkol kay Ciro, 'Siya'y aking pastol, at kanyang tutuparin ang lahat ng aking kaligayahan'; na nagsasabi tungkol sa Jerusalem, 'Siya'y matatayo', at sa templo, 'Ang iyong pundasyon ay ilalagay.'" Ganito ang sabi ng PANGINOON sa kanyang pinahiran ng langis, kay Ciro, na ang kanang kamay ay aking hinawakan, upang pasukuin ang mga bansa sa harap niya; at kalagan ang mga balakang ng mga hari, upang magbukas ng mga pintuan sa harapan niya, upang ang mga pintuan ay hindi masarhan: "Ako'y magpapauna sa iyo, at papatagin ko ang mga baku-bakong dako, ang mga pintuang tanso ay aking wawasakin, at ang mga harang na bakal ay aking puputulin, At ibibigay ko sa iyo ang mga kayamanan ng kadiliman, at ang mga natatagong kayamanan sa mga lihim na dako, upang inyong malaman na ako ang PANGINOON, ang Diyos ng Israel na tumatawag sa iyo sa iyong pangalan. Alang-alang kay Jacob na aking lingkod, at sa Israel na aking pinili, sa iyong pangalan ay tinawag kita, aking pinangalanan ka, bagaman hindi mo ako kilala. Ako ang PANGINOON, at walang iba; liban sa akin ay walang Diyos. Aking binibigkisan ka, bagaman hindi mo ako kilala, upang malaman ng mga tao mula sa sikatan ng araw, at mula sa kanluran, na walang iba liban sa akin; ako ang PANGINOON, at walang iba. Aking inilagay ang liwanag at nililikha ko ang kadiliman; ako'y gumagawa ng kaginhawahan at lumilikha ako ng kapahamakan; ako ang PANGINOON, na gumagawa ng lahat ng mga bagay na ito. "Maghulog ka, o mga langit, mula sa itaas, at ang kalangitan ay magpaulan ng katuwiran; bumuka ang lupa, at lumitaw ang kaligtasan, at upang ang katuwiran ay lumitaw na kasama nito, akong PANGINOON ang lumikha nito. "Kahabag-habag siya na makikipagpunyagi sa Maylalang sa kanya! Isang luwad na sisidlan sa isang magpapalayok! Sinasabi ba ng luwad sa nagbibigay anyo sa kanya, 'Anong ginagawa mo?' o 'ang iyong gawa ay walang mga kamay?' Kahabag-habag siya na nagsasabi sa ama, 'Ano ang naging anak mo?' o sa babae, 'Ano ang ipinaghihirap mo?' Ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Banal ng Israel, at ng Maylalang sa kanya: "Magtanong ka sa akin tungkol sa mga bagay na darating; tungkol sa aking mga anak, at tungkol sa gawa ng aking mga kamay, mag-utos kayo sa akin. Aking ginawa ang lupa, at nilikha ko ang tao sa ibabaw nito; ako, ang aking mga kamay ang nagladlad ng mga langit, at inuutusan ko ang lahat ng naroroon. Aking ibinangon siya sa katuwiran, at aking tutuwirin ang lahat niyang lakad; kanyang itatayo ang aking lunsod, at kanyang palalayain ang aking mga binihag, hindi sa halaga o sa gantimpala man," sabi ng PANGINOON ng mga hukbo. Ganito ang sabi ng PANGINOON: "Ang yari ng Ehipto at ang kalakal ng Etiopia, at ang mga Sabeo, mga taong matatangkad, ay paparito sa iyo, at sila'y magiging iyo; sila'y susunod sa iyo. Sila'y darating na may tanikala at sila'y magpapatirapa sa iyo. Sila'y makikiusap sa iyo, na nagsasabi, Tunay na ang Diyos lamang ang nasa iyo, at walang iba, walang ibang Diyos.'" Katotohanang ikaw ay Diyos na nagkukubli, O Diyos ng Israel, ang Tagapagligtas. Silang lahat ay napahiya at nalito, ang mga manggagawa ng mga diyus-diyosan ay magkakasamang nalilito. Ngunit ang Israel ay ililigtas ng PANGINOON ng walang hanggang kaligtasan; kayo'y hindi mapapahiya o malilito man hanggang sa walang hanggan. Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON na lumikha ng langit (siya ay Diyos!), na nag-anyo ng lupa at gumawa niyon, (na kanyang itinatag; hindi niya ito nilikha na sira, ito ay kanyang inanyuan upang tirhan!): "Ako ang PANGINOON, at wala nang iba. Ako'y hindi nagsalita ng lihim, sa dako ng lupain ng kadiliman; hindi ko sinabi sa lahi ni Jacob, 'Hanapin ninyo ako nang walang kabuluhan.' Akong PANGINOON ay nagsasalita ng katuwiran, ako'y nagpapahayag ng mga bagay na matuwid. "Kayo'y magtipon at pumarito, magsilapit kayong magkakasama, kayong mga nakaligtas sa mga bansa! Sila'y walang kaalaman na nagdadala ng kanilang kahoy na larawang inanyuan, at nananalangin sa diyos na hindi makapagliligtas. Kayo'y magpahayag at maglahad; oo, magsanggunian silang magkakasama! Sinong nagsabi nito nang unang panahon? Sinong nagpahayag niyon nang una? Hindi ba ako, na PANGINOON? At walang Diyos liban sa akin, isang matuwid na Diyos at Tagapagligtas; walang iba liban sa akin. "Kayo'y bumaling sa akin, at kayo'y maliligtas, lahat ng dulo ng lupa! Sapagkat ako'y Diyos, at walang iba liban sa akin. Aking isinumpa sa aking sarili, mula sa aking bibig ay lumabas sa katuwiran, ang isang salita na hindi babalik: 'Na sa akin ay luluhod ang bawat tuhod, bawat dila ay susumpa.' "Kanyang sasabihin sa PANGINOON lamang, ang katuwiran at kalakasan, iyon ang sasabihin tungkol sa akin; sa kanya'y magsisiparoon ang mga tao, at ang lahat ng nagagalit sa kanya ay mapapahiya. Sa PANGINOON ang lahat ng anak ng Israel ay aariing-ganap at luluwalhatiin." Si Bel ay nagpapatirapa, si Nebo ay yumuyukod; ang kanilang mga diyus-diyosan ay pasan ng mga baka at mga hayop; ang mga bagay na ito na inyong dala-dala ay mabigat na pasan sa pagod. Sila'y yumuyukod, sila'y nagpapatirapang magkakasama; hindi nila mailigtas ang pasan, kundi sila ma'y tutungo sa pagkabihag. "Inyong dinggin ako, O sambahayan ni Jacob, at lahat na nalabi sa sambahayan ni Israel, na kinalong ko mula sa iyong pagsilang, na dinala mula sa sinapupunan; at hanggang sa katandaan mo ay ako siya, at hanggang sa magkauban ay dadalhin kita. Ginawa kita at aking dadalhin ka. Aking dadalhin at ililigtas ka. "Kanino ninyo ako itutulad, at ihahambing ako upang kami ay maging magkatulad? Sila'y dumudukot ng maraming ginto sa supot, at nagtitimbang ng pilak sa timbangan, na nagsisiupa ng panday-ginto, at kanyang ginagawang diyos; oo, sila'y nagpapatirapa, at nagsisisamba! Ipinapasan nila iyon sa balikat, dinadala nila iyon, inilalagay nila iyon sa kanyang lugar, at iyon ay nakatayo roon; mula sa kanyang dako ay hindi siya makakilos. Oo, may dadaing sa kanya, gayon ma'y hindi siya makasasagot, o makapagliligtas man sa kanya sa kanyang kabagabagan. "Inyong alalahanin ito, at maging tiyak, isaisip ninyo uli, kayong mga masuwayin, inyong alalahanin ang mga dating bagay nang una, sapagkat ako'y Diyos, at walang iba; ako'y Diyos, at walang gaya ko, na nagpapahayag ng wakas mula sa pasimula, at mula nang mga unang panahon, ng mga bagay na hindi pa nangyayari; na nagsasabi, 'Ang layunin ko ay maitatatag, at gagawin ko ang lahat ng aking kaligayahan,' na tumatawag ng ibong mandaragit mula sa silangan, ng taong gumagawa ng aking layunin mula sa malayong lupain; oo, aking sinabi, oo, aking papangyayarihin, aking pinanukala, at akin itong gagawin. "Makinig kayo sa akin, kayong matitigas ang puso, kayo na malayo sa katuwiran: Aking inilalapit ang aking katuwiran, hindi ito malayo, at ang aking pagliligtas ay hindi magtatagal; at aking ilalagay ang kaligtasan sa Zion, para sa Israel na aking kaluwalhatian." Ikaw ay bumaba at umupo sa alabok, O anak na dalagang birhen ng Babilonia; maupo ka sa lupa na walang trono, O anak na babae ng mga Caldeo! Sapagkat hindi ka na tatawaging maselan at mahinhin. Ikaw ay kumuha ng gilingang bato, at gumiling ka ng harina; mag-alis ka ng iyong belo, maghubad ka ng balabal, ilitaw mo ang iyong binti, tumawid ka sa mga ilog. Ang iyong kahubaran ay malalantad, ang iyong kahihiyan ay makikita, ako'y maghihiganti, at wala akong ililigtas na tao. Ang aming Manunubos — PANGINOON ng mga hukbo ang kanyang pangalan — ay ang Banal ng Israel. Maupo kang tahimik, at pumasok ka sa kadiliman, O anak na babae ng mga Caldeo; sapagkat hindi ka na tatawaging maybahay ng mga kaharian. Ako'y nagalit sa aking bayan, ang aking mana ay aking dinungisan; ibinigay ko sila sa iyong kamay, hindi mo sila pinagpakitaan ng kaawaan; sa matatanda ay pinabigat mong lubha ang iyong pasan. At iyong sinabi, "Ako'y magiging maybahay mo magpakailanman," na anupa't hindi mo inilagay ang mga bagay na ito sa iyong puso, o inalaala mo man ang kanilang wakas. Ngayon nga'y pakinggan mo ito, ikaw na namumuhay sa mga kalayawan, na tumatahang matiwasay, na nagsasabi sa kanyang puso, "Ako nga, at walang iba liban sa akin; hindi ako uupong gaya ng babaing balo o mararanasan man ang pagkawala ng mga anak": Ngunit ang dalawang bagay na ito ay darating sa iyo sa isang sandali, sa isang araw; ang pagkawala ng mga anak at pagkabalo ay buong-buong darating sa iyo, sa kabila ng iyong maraming pangkukulam, at sa malaking kapangyarihan ng iyong panggagayuma. Sapagkat ikaw ay nagtiwala sa iyong kasamaan, iyong sinabi, "Walang nakakakita sa akin"; ang iyong karunungan at ang iyong kaalaman ang nagligaw sa iyo, at iyong sinabi sa iyong puso, "Ako nga, at walang iba liban sa akin." Ngunit ang kasamaan ay darating sa iyo, na hindi mo malalaman ang pinagmulan; at ang kapahamakan ay darating sa iyo, na hindi mo maaalis; at ang pagkawasak ay biglang darating sa iyo, na hindi mo nalalaman. Tumayo ka ngayon sa iyong panggagayuma, at sa marami mong pangkukulam, na iyong ginawa mula sa iyong kabataan; marahil ay makikinabang ka, marahil ay mananaig ka. Ikaw ay pagod na sa dinami-dami ng iyong mga payo; patayuin sila at iligtas ka, sila na nanghuhula sa pamamagitan ng langit, na nagmamasid sa mga bituin, na nanghuhula sa pamamagitan ng buwan, kung anong mangyayari sa iyo. Narito, sila'y gaya ng pinagputulan ng trigo, sinusunog sila ng apoy; hindi nila maililigtas ang kanilang kaluluwa mula sa kapangyarihan ng liyab. Walang baga na pagpapainitan sa kanila, o apoy na sa harapan nito'y makakaupo ang sinuman. Ganito ang mangyayari sa kanila na kasama mong gumawa, silang nangalakal na kasama mo mula sa iyong kabataan, bawat isa ay nagpalabuy-laboy sa kanyang sariling lakad; walang sinumang sa iyo ay magliligtas. Pakinggan mo ito, O sambahayan ni Jacob, na tinatawag sa pangalan ng Israel, at lumabas mula sa balakang ng Juda; na sumumpa sa pangalan ng PANGINOON, at nagpahayag sa Diyos ng Israel, ngunit hindi sa katotohanan, o sa katuwiran man. (Sapagkat tinatawag nila ang kanilang mga sarili ayon sa lunsod na banal, at nagtiwala sa Diyos ng Israel; ang PANGINOON ng mga hukbo ang kanyang pangalan). "Aking ipinahayag ang mga dating bagay mula nang una, iyon ay lumabas sa aking bibig, at aking ipinakilala; at bigla kong ginawa at ang mga iyon ay nangyari. Sapagkat alam ko, na ikaw ay mapagmatigas, at ang iyong leeg ay parang litid na bakal, at ang iyong noo ay parang tanso, aking ipinahayag sa iyo mula nang una; bago nangyari ay ipinaalam ko sa iyo, baka iyong sabihin, 'Mga diyus-diyosan ko ang gumawa ng mga ito, ang aking larawang inanyuan at ang aking larawang hinulma, ang nag-utos sa kanila.' "Iyong narinig; ngayo'y tingnan mong lahat ito; at hindi mo ba ipahahayag? Mula sa panahong ito ay magpaparinig ako sa iyo ng mga bagong bagay, mga kubling bagay na hindi mo pa nalalaman. Ang mga ito ay nilikha ngayon, at hindi noong una; bago dumating ang araw na ito ay hindi mo pa iyon narinig; baka iyong sabihin, 'Aking nalaman ang mga ito.' Oo, hindi mo pa narinig, hindi mo pa nalalaman; mula nang una ang iyong pandinig ay hindi pa nabuksan. Sapagkat alam ko na ikaw ay gagawa ng may kataksilan, at tinawag na suwail mula sa iyong pagsilang. "Alang-alang sa aking pangalan ay iniurong ko ang galit ko, at dahil sa kapurihan ko ay pinigil ko iyon para sa iyo, upang hindi kita ihiwalay. Dinalisay kita, ngunit hindi tulad ng pilak; sinubok kita sa hurno ng kapighatian. Alang-alang sa akin, alang-alang sa akin, aking gagawin iyon; sapagkat paanong lalapastanganin ang aking pangalan? At ang kaluwalhatian ko sa iba'y di ko ibinigay. "Makinig ka sa akin, O Jacob, at Israel na tinawag ko; ako nga; ako ang una, ako rin ang huli. Ang aking kamay ang siyang naglagay ng pundasyon ng lupa, at ang aking kanan ang siyang nagladlad ng mga langit; kapag ako'y tumatawag sa kanila, sila'y nagsisitayong magkakasama. "Kayo'y magtipon, kayong lahat, at pakinggan ninyo! Sino sa kanila ang nagpahayag ng mga bagay na ito? Minamahal siya ng PANGINOON; kanyang tutuparin ang kanyang mabuting hangarin sa Babilonia, at ang kanyang kamay ay magiging laban sa mga Caldeo. Ako, ako nga'y nagsalita; oo, aking tinawag siya; aking dinala siya, at kanyang pagtatagumpayin ang mga lakad niya. Kayo'y lumapit sa akin, pakinggan ninyo ito: mula sa pasimula ay hindi ako nagsalita ng lihim, mula nang panahon na nangyari ito ay naroon na ako." At ngayo'y sinugo ako ng Panginoong DIYOS at ng kanyang Espiritu. Ganito ang sabi ng PANGINOON, ng inyong Manunubos, ang Banal ng Israel: "Ako ang PANGINOON mong Diyos, na nagtuturo sa iyo para sa iyong kapakinabangan, na pumapatnubay sa iyo sa daan na dapat mong lakaran. O kung dininig mo sana ang aking mga utos! Ang iyong kapayapaan sana ay naging parang ilog, at ang iyong katuwiran ay parang mga alon sa dagat; Ang iyong lahi sana ay naging parang buhangin at ang iyong mga supling ay parang mga butil niyon; ang kanilang pangalan ay hindi tatanggalin o mawawasak man sa harapan ko." Kayo'y lumabas sa Babilonia, tumakas kayo sa Caldea, ipahayag ninyo ito sa tinig ng sigaw ng kagalakan, ipahayag ninyo ito, ibalita ninyo hanggang sa dulo ng lupa; inyong sabihin, "Tinubos ng PANGINOON si Jacob na kanyang lingkod!" At sila'y hindi nauhaw nang patnubayan niya sila sa mga ilang; kanyang pinaagos ang tubig mula sa bato para sa kanila; kanyang nilagyan ng guwang ang bato, at ang tubig ay bumukal. "Walang kapayapaan para sa masama," sabi ng PANGINOON. Kayo'y makinig sa akin, O mga pulo; at inyong pakinggan, kayong mga bayan sa malayo. Tinawagan ako ng PANGINOON mula sa sinapupunan, mula sa katawan ng aking ina ay binanggit niya ang aking pangalan. Ang aking bibig ay ginawa niyang parang matalas na tabak, sa lilim ng kanyang kamay ay ikinubli niya ako; ginawa niya akong makinang na palaso, sa kanyang lalagyan ng pana ay itinago niya ako. At sinabi niya sa akin, "Ikaw ay aking lingkod; Israel, na siyang aking ikaluluwalhati." Ngunit aking sinabi, "Ako'y gumawang walang kabuluhan, ginugol ko ang aking lakas sa wala, at sa walang kabuluhan; gayunma'y ang aking katarungan ay nasa PANGINOON, at ang aking gantimpala ay nasa aking Diyos." At ngayo'y sinabi ng PANGINOON, na nag-anyo sa akin mula sa sinapupunan upang maging kanyang lingkod, upang ibalik uli ang Jacob sa kanya, at ang Israel ay matipon sa kanya; sapagkat sa mga mata ng PANGINOON ako'y pinarangalan, at ang aking Diyos ay aking kalakasan — Oo, kanyang sinasabi: "Napakagaan bang bagay na ikaw ay naging aking lingkod upang ibangon ang mga lipi ni Jacob, at panumbalikin ang iningatan ng Israel; ikaw ay aking ibibigay na pinakailaw sa mga bansa upang ang aking kaligtasan ay makarating hanggang sa dulo ng lupa." Ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Manunubos ng Israel at ng kanyang Banal, sa lubos na hinamak, sa kinasuklaman ng bansa, ang lingkod ng mga pinuno: "Ang mga hari at ang mga pinuno, ay makakakita at babangon, at sila'y magsisisamba; dahil sa PANGINOON na tapat, sa Banal ng Israel, na siyang pumili sa iyo." Ganito ang sabi ng PANGINOON: "Sa kalugud-lugod na panahon ay sinagot kita, at sa araw ng pagliligtas ay tinulungan kita; aking iningatan ka, at ibinigay kita bilang isang tipan sa bayan, upang itatag ang lupain, upang ipamahagi ang mga sirang mana; na sinasabi sa mga bilanggo, 'Kayo'y magsilabas;' sa mga nasa kadiliman, 'Magpakita kayo.' Sila'y magsisikain sa mga daan, at ang lahat ng bukas na kaitaasan ay magiging kanilang pastulan. Sila'y hindi magugutom, o mauuhaw man; at hindi rin sila mapapaso ng maiinit na hangin ni sasaktan man sila ng araw. Sapagkat siyang may awa sa kanila ang sa kanila ay papatnubay, at aakayin sila sa tabi ng mga bukal ng tubig. At aking gagawing daan ang lahat ng aking mga bundok, at ang aking mga lansangan ay patataasin. Narito, ang mga ito'y manggagaling sa malayo, at, narito, ang mga ito ay mula sa hilaga, at mula sa kanluran, at ang mga ito ay mula sa lupain ng Sinim." Umawit ka sa kagalakan, O kalangitan, at magalak ka, O lupa; kayo'y biglang umawit, O mga kabundukan! Sapagkat inaliw ng PANGINOON ang kanyang bayan, at mahahabag sa kanyang mga nahihirapan. Ngunit sinabi ng Zion, "Pinabayaan ako ng PANGINOON, kinalimutan ako ng aking Panginoon." "Malilimutan ba ng babae ang kanyang batang pasusuhin, na siya'y hindi mahahabag sa anak ng kanyang sinapupunan? Oo, ang mga ito'y makakalimot, ngunit hindi kita kalilimutan. Narito aking inanyuan ka sa mga palad ng mga kamay ko, ang iyong mga pader ay laging nasa harapan ko. Ang iyong mga tagapagtayo ay magmamadali, at ang sumisira, at ang nagwawasak sa iyo ay lalayo. Imulat mo ang iyong mga mata sa palibot, at tingnan mo; silang lahat ay nagtitipon, sila'y lumalapit sa iyo. Habang ako'y nabubuhay, sabi ng PANGINOON, silang lahat ay isusuot mo na gaya ng panggayak, gaya ng ginagawa ng babaing ikakasal, bibigkisan mo silang lahat. "Sapagkat ang iyong mga sira at mga gibang dako at ang iyong lupaing nawasak — tiyak na ngayon ikaw ay magiging totoong napakakipot para sa iyong mga mamamayan, at silang lumamon sa iyo ay mapapalayo. Ang mga anak na ipinanganak sa panahon ng inyong kapanglawan ay magsasabi pa sa iyong pandinig: 'Ang lugar ay napakakipot para sa akin. Bigyan mo ako ng lugar na aking matitirahan.' Kung magkagayo'y sasabihin mo sa iyong puso: 'Sinong nagsilang ng mga ito sa akin? Ako'y namanglaw at walang anak, itinapon at palabuy-laboy, ngunit sinong nagpalaki sa mga ito? Narito, ako'y naiwang mag-isa; saan nagmula ang mga ito?'" Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: "Itataas ko ang aking kamay sa mga bansa, at itatayo ko ang aking watawat sa mga bayan; at ilalagay nila ang inyong mga anak na lalaki sa kanilang sinapupunan, at ang iyong mga anak na babae sa kanilang mga balikat ay ipapasan. At mga hari ang magiging iyong mga tagapag-alaga, at ang kanilang mga reyna ay siyang mag-aaruga. Sila'y yuyukod sa iyo na ang kanilang mga mukha ay nakatungo sa lupa, at hihimurin ang alabok ng inyong mga paa. At iyong makikilala na ako ang PANGINOON; ang mga naghihintay sa akin ay hindi mapapahiya. Makukuha ba ang biktima mula sa makapangyarihan, o maililigtas ba ang nabiktima ng malupit?" Ngunit, ganito ang sabi ng PANGINOON: "Pati ang mga bihag ng makapangyarihan ay kukunin, at ang biktima ng malupit ay maliligtas, sapagkat ako'y makikipaglaban sa mga nakikipaglaban sa iyo, at aking ililigtas ang mga anak mo. At ipapakain ko sa mga umaapi sa iyo ang kanilang sariling laman, at sila'y malalasing sa kanilang sariling dugo na gaya ng matamis na alak. At makikilala ng lahat ng laman na akong PANGINOON ay iyong Tagapagligtas, at iyong Manunubos, ang Makapangyarihan ng Jacob." Ganito ang sabi ng PANGINOON: "Nasaan ang sulat ng pagkakahiwalay ng iyong ina, na aking ipinaghiwalay sa kanya? O kanino sa mga nagpapautang sa akin ipinagbili kita? Narito, dahil sa inyong mga kasamaan ay ipinagbili kayo, at dahil sa inyong mga pagsuway ay inilayo ang ina ninyo. Bakit nang ako'y pumarito ay walang tao? Nang ako'y tumawag, bakit walang sumagot? Naging maikli na ba ang aking kamay, anupa't hindi makatubos? O wala akong kapangyarihang makapagligtas? Narito, sa saway ko ay aking tinutuyo ang dagat, aking ginawang ilang ang mga ilog. Ang kanilang isda ay bumabaho sapagkat walang tubig, at namamatay dahil sa uhaw. Aking binibihisan ng kaitiman ang langit, at aking ginagawang damit-sako ang kanyang panakip." Binigyan ako ng Panginoong DIYOS ng dila ng mga naturuan, upang aking malaman kung paanong aalalayan ng mga salita ang nanlulupaypay. Siya'y nagigising tuwing umaga, ginigising niya ang aking pandinig upang makinig na gaya ng mga naturuan. Binuksan ng Panginoong DIYOS ang aking pandinig, at ako'y hindi naging mapaghimagsik, o tumalikod man. Iniharap ko ang aking likod sa mga tagahampas, at ang aking mga pisngi sa mga bumunot ng balbas; hindi ko ikinubli ang aking mukha sa kahihiyan at sa paglura. Sapagkat tinulungan ako ng Panginoong DIYOS; kaya't hindi ako napahiya; kaya't inilagay ko ang aking mukha na parang batong kiskisan, at alam ko na hindi ako mapapahiya. Siya na magpapawalang-sala sa akin ay malapit. Sinong makikipaglaban sa akin? Tayo'y tumayong magkakasama. Sino ang aking kaaway? Bayaang lumapit siya sa akin. Narito, tinutulungan ako ng Panginoong DIYOS; sino ang magsasabi na ako ay nagkasala? Tingnan mo, silang lahat ay malulumang parang bihisan; lalamunin sila ng tanga. Sino sa inyo ang natatakot sa PANGINOON, na sumusunod sa tinig ng kanyang Iingkod, na lumalakad sa kadiliman, at walang liwanag? Magtiwala siya sa pangalan ng PANGINOON, at umasa sa kanyang Diyos. Narito, kayong lahat na nagpapaningas ng apoy, na nagsisindi ng mga sulo! Lumakad kayo sa liyab ng inyong apoy, at sa gitna ng mga sulo na inyong sinindihan! Ito ang makakamit ninyo sa aking kamay: kayo'y hihiga sa pagpapahirap. Kayo'y makinig sa akin, kayong sumusunod sa katuwiran kayong naghahanap sa PANGINOON; tumingin kayo sa malaking bato na inyong pinagtapyasan, at sa tibagan na pinaghukayan sa inyo. Tingnan ninyo si Abraham na ama ninyo, at si Sara na nagsilang sa inyo; sapagkat nang siya'y iisa ay tinawag ko siya, at pinagpala ko at pinarami siya. Sapagkat aaliwin ng PANGINOON ang Zion; kanyang aaliwin ang lahat niyang sirang dako, at gagawin niyang parang Eden ang kanyang ilang, ang kanyang disyerto na parang halamanan ng PANGINOON; kagalakan at kasayahan ay matatagpuan doon, pagpapasalamat at tinig ng awit. "Makinig ka sa akin, bayan ko; at pakinggan mo ako, bansa ko. Sapagkat magmumula sa akin ang isang kautusan, at ang aking katarungan bilang liwanag sa mga bayan. Ang aking katuwiran ay malapit na, ang aking kaligtasan ay humayo na, at ang aking mga bisig ay hahatol sa mga bayan; ang mga pulo ay naghihintay saakin, at sa aking bisig ay umaasa sila. Itingin ninyo ang inyong mga mata sa mga langit, at tingnan ninyo ang lupa sa ibaba; sapagkat ang langit ay mapapawing parang usok, at ang lupa ay malulumang parang bihisan; at silang naninirahan doon ay mamamatay sa gayunding paraan. Ngunit ang pagliligtas ko ay magpakailanman, at hindi magwawakas ang aking katuwiran. "Makinig kayo sa akin, kayong nakakaalam ng katuwiran, ang bayan na ang puso ay kinaroonan ng aking kautusan. Huwag ninyong katakutan ang pagkutya ng mga tao, at huwag kayong mabalisa sa kanilang mga paglait. Sapagkat sila'y lalamunin ng bukbok na parang bihisan, at kakainin sila ng uod na parang balahibo ng tupa; ngunit ang aking katuwiran ay magiging magpakailanman, at ang aking pagliligtas ay sa lahat ng salinlahi." Gumising ka, gumising ka, magpakalakas ka, O bisig ng PANGINOON. Gumising ka na gaya nang araw noong una, nang mga lahi ng mga dating panahon. Hindi ba ikaw ang pumutol ng Rahab, na sumaksak sa dragon? Hindi ba ikaw ang tumuyo sa dagat, sa tubig ng malaking kalaliman; na iyong ginawang daan ang kalaliman ng dagat upang daanan ng tinubos? At ang mga tinubos ng PANGINOON ay babalik, at darating na may awitan sa Zion; at nasa kanilang mga ulo ang walang hanggang kagalakan, sila'y magtatamo ng kasayahan at kagalakan; at tatakas ang kalungkutan at pagbubuntung-hininga. "Ako, ako nga, ang siyang umaaliw sa inyo. Sino ka na natatakot sa namamatay na tao, at sa anak ng tao na ginawang parang damo, at iyong kinalimutan ang PANGINOON na iyong Manlalalang, na nagladlad ng mga langit, at siyang naglagay ng mga pundasyon ng lupa, at ikaw ay laging natatakot sa buong araw dahil sa bagsik ng mang-aapi, kapag siya'y naghahanda upang mangwasak? At saan naroon ang bagsik ng mang-aapi? Ang inapi ay mabilis na palalayain, hindi siya mamamatay patungo sa Hukay, ni magkukulang man ang kanyang tinapay. Sapagkat ako ang PANGINOON mong Diyos, na nagpapakilos sa dagat, na ang mga alon niyon ay umuugong — PANGINOON ng mga hukbo ang kanyang pangalan. At inilagay ko ang aking mga salita sa bibig mo, at tinakpan kita sa lilim ng aking kamay upang mailadlad ang mga langit, at upang maitatag ang lupa, at sinasabi sa Zion, 'Ikaw ay aking bayan.'" Gumising ka, gumising ka, tumayo ka, O Jerusalem. Ikaw na uminom sa kamay ng PANGINOON sa kopa ng kanyang poot, na iyong sinaid ang kopa ng pampasuray. Walang pumatnubay sa kanya sa lahat ng anak na kanyang ipinanganak; ni humawak man sa kanya sa kamay sa lahat ng anak na kanyang pinalaki. Ang dalawang bagay na ito ay nangyari sa iyo — sinong makikiramay sa iyo? — pagkagiba, pagkasira, taggutom at ang tabak; sinong aaliw sa iyo? Ang iyong mga anak ay nanlupaypay, sila'y nahihiga sa dulo ng bawat lansangan, na gaya ng isang usa sa isang lambat; sila'y puspos ng poot ng PANGINOON, ng saway ng iyong Diyos. Kaya't pakinggan mo ito ngayon, ikaw na nagdadalamhati, at lasing, ngunit hindi ng alak. Ganito ang sabi ng iyong Panginoon, ang PANGINOON, ang iyong Diyos na nagsasanggalang ng usapin ng kanyang bayan: "Narito, aking inalis sa iyong kamay ang kopa na pampasuray; ang kopa ng aking poot; hindi ka na muling iinom. At aking ilalagay ito sa kamay ng mga nagpapahirap sa iyo, na nagsabi sa iyong kaluluwa, 'Ikaw ay yumuko upang kami ay makaraan'; at ginawa mo ang iyong likod na parang lupa, at parang lansangan na kanilang madaraanan." Gumising ka, gumising ka! Magsuot ka ng iyong kalakasan, O Zion. Magsuot ka ng iyong magagandang damit, O Jerusalem, ang banal na lunsod, sapagkat ang hindi tuli at ang marumi ay hindi na muling papasok sa iyo. Magpagpag ka ng alabok, ikaw ay bumangon, O bihag na Jerusalem. Kalagin mo ang tali sa iyong leeg, O bihag na anak na babae ng Zion. Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON: "Kayo'y ipinagbili sa wala, at kayo'y tutubusin na walang salapi. Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Ang bayan ko ay bumaba noong una sa Ehipto upang makipamayan doon, at inapi sila ng mga taga-Asiria ng walang kadahilanan. Ngayon anong ginagawa ko rito, sabi ng PANGINOON. Yamang ang aking bayan ay dinala nang walang dahilan? Ang mga namumuno sa kanila ay umuungal, sabi ng PANGINOON, at ang aking pangalan ay laging hinahamak sa buong araw. Kaya't makikilala ng aking bayan ang aking pangalan. Malalaman nila sa araw na iyon, na ako ang nagsasalita. Narito ako." Napakaganda sa mga bundok ang mga paa niyong nagdadala ng mabuting balita, na naghahayag ng kapayapaan, na nagdadala ng mabuting balita ng kabutihan, na naghahayag ng kaligtasan, na nagsasabi sa Zion, "Ang iyong Diyos ay naghahari!" Pakinggan mo! Inilakas ng mga bantay ang kanilang tinig, na magkakasamang nagsisiawit sa kagalakan; sapagkat makikita ng sarili nilang mga mata ang pagbalik ng PANGINOON sa Zion. Magalak kayong bigla, kayo'y umawit na magkakasama, kayong mga sirang dako ng Jerusalem; sapagkat inaliw ng PANGINOON ang kanyang bayan, kanyang tinubos ang Jerusalem. Hinubaran ng PANGINOON ang kanyang banal na bisig sa mga mata ng lahat na bansa; at makikita ng lahat ng dulo ng lupa ang pagliligtas ng ating Diyos. Kayo'y humayo, kayo'y humayo! Kayo'y umalis doon, huwag kayong humipo ng maruming bagay. Kayo'y lumabas sa gitna niya, kayo'y magpakalinis, kayong nagdadala ng mga sisidlan ng PANGINOON. Sapagkat kayo'y hindi lalabas na nagmamadali, o lalabas man kayo dahil sa pagtakas, sapagkat ang PANGINOON ay mauuna sa inyo; at ang Diyos ng Israel ay magiging inyong bantay sa likod. Narito, ang lingkod ko ay magtatagumpay, siya'y dadakilain at itataas, at magiging napakataas. Kung paanong marami ang namangha sa kanya — ang kanyang anyo ay napinsalang lubha, halos hindi na anyo ng tao, na hindi makilalang tao, at ang kanyang hugis ay higit kaysa sa mga anak ng mga tao — gayon siya magwiwisik sa maraming bansa; ititikom ng mga hari ang kanilang mga bibig dahil sa kanya; sapagkat ang hindi nasabi sa kanila ay kanilang makikita, at ang hindi nila narinig ay kanilang mauunawaan. Sinong naniwala sa aming narinig? At kanino nahayag ang bisig ng PANGINOON? Sapagkat siya'y tumubo sa harapan niya na gaya ng sariwang pananim, at gaya ng ugat sa tuyong lupa. Siya'y walang anyo o kagandahan man na dapat nating pagmasdan siya, at walang kagandahan na maiibigan natin sa kanya. Siya'y hinamak at itinakuwil ng mga tao; isang taong nagdurusa, at sanay sa kalungkutan; at gaya ng isa na pinagkublihan ng mukha ng mga tao, siya'y hinamak, at hindi natin siya pinahalagahan. Tunay na kanyang pinasan ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kalungkutan; gayunma'y ating itinuring siya na hinampas, sinaktan ng Diyos at pinahirapan. Ngunit siya'y nasugatan dahil sa ating mga pagsuway, siya'y binugbog dahil sa ating mga kasamaan; ipinataw sa kanya ang parusa para sa ating kapayapaan, at sa pamamagitan ng kanyang mga latay ay gumaling tayo. Tayong lahat ay gaya ng mga tupang naligaw; bawat isa sa atin ay lumihis sa kanyang sariling daan; at ipinasan sa kanya ng PANGINOON ang lahat nating kasamaan. Siya'y inapi, at siya'y sinaktan, gayunma'y hindi niya ibinuka ang kanyang bibig; gaya ng kordero na dinadala sa katayan, at gaya ng tupa na sa harapan ng mga manggugupit sa kanya ay pipi, kaya't hindi niya ibinuka ang kanyang bibig. Sa pamamagitan ng pang-aapi at paghatol ay inilayo siya; at tungkol sa kanyang salinlahi, na itinuring na siya'y itiniwalag sa lupain ng mga buhay, at sinaktan dahil sa pagsalangsang ng aking bayan? At ginawa nila ang kanyang libingan na kasama ng masasama, at kasama ng isang lalaking mayaman sa kanyang kamatayan; bagaman hindi siya gumawa ng karahasan, o walang anumang pandaraya sa kanyang bibig. Gayunma'y kinalugdan ng PANGINOON na mabugbog siya; kanyang inilagay siya sa pagdaramdam; kapag gagawin niya ang kanyang kaluluwa bilang handog pangkasalanan, makikita niya ang kanyang supling, pahahabain niya ang kanyang mga araw; at ang kalooban ng PANGINOON ay uunlad sa kanyang kamay. Kanyang makikita ang bunga ng paghihirap ng kanyang kaluluwa, at masisiyahan sa pamamagitan ng kanyang kaalaman. Aariing-ganap ng matuwid kong lingkod ang marami, at papasanin niya ang kanilang mga kasamaan. Kaya't hahatian ko siya ng bahagi na kasama ng dakila, at kanyang hahatiin ang samsam na kasama ng malakas; sapagkat kanyang ibinuhos ang kanyang kaluluwa sa kamatayan, at ibinilang na kasama ng mga lumalabag; gayunma'y pinasan niya ang kasalanan ng marami, at namagitan para sa mga lumalabag. "Umawit ka, O baog, ikaw na hindi nanganak; ikaw ay biglang umawit, at sumigaw nang malakas, ikaw na hindi nakaranas ng hirap sa panganganak! Sapagkat ang mga anak ng babaing iniwan ay magiging higit na marami kaysa mga anak ng may asawa, sabi ng PANGINOON. Palawakin mo ang lugar ng iyong tolda, at iladlad mo ang mga tabing ng iyong mga tahanan; huwag kang umurong, habaan mo ang iyong mga lubid, at patibayin mo ang iyong mga tulos. Sapagkat ikaw ay kakalat nang malayo sa kanan at sa kaliwa; at aangkinin ng iyong lahi ang mga bansa, at patitirahan ang mga bayang giba. "Huwag kang matakot; sapagkat ikaw ay hindi mapapahiya; huwag kang malilito sapagkat hindi ka malalagay sa kahihiyan; sapagkat iyong malilimutan ang kahihiyan ng iyong kabataan, at hindi mo na maaalala pa ang iyong pagkabalo na dala'y kasiraan. Sapagkat ang Lumalang sa iyo ay iyong asawa; PANGINOON ng mga hukbo ay kanyang pangalan. Ang Banal ng Israel ay iyong Manunubos, ang Diyos ng buong lupa ang tawag sa kanya. Sapagkat tinawag ka ng PANGINOON, gaya ng asawang kinalimutan at nagdadalamhati ang espiritu, parang asawa ng kabataan nang siya'y itakuwil, sabi ng iyong Diyos. Sa ilang sandali ay kinalimutan kita; ngunit titipunin kita sa pamamagitan ng malaking pagkahabag! Sa nag-uumapaw na poot nang sandali, ay ikinubli ko ang aking mukha sa iyo, ngunit kinaawaan kita sa pamamagitan ng walang hanggang kagandahang-loob, sabi ng PANGINOON, na iyong Manunubos. "Sapagkat para sa akin ito ay parang tubig sa panahon ni Noe; gaya ng aking ipinangako, na ang tubig sa panahon ni Noe ay hindi na aapaw pa sa lupa, gayon ako'y nangako na hindi ako magagalit sa iyo, at hindi ka na kagagalitan. Sapagkat ang mga bundok ay maaaring umalis, at ang mga burol ay mapalipat; ngunit ang aking kagandahang-loob ay hindi hihiwalay sa iyo, o ang aking tipan ng kapayapaan ay hindi maaalis, sabi ng PANGINOON na naaawa sa iyo. "O ikaw na nagdadalamhati, na pinapaspas ng bagyo, at hindi naaaliw, narito, aking ilalagay ang iyong mga bato na may magagandang kulay, at lalagyan ko ng mga zafiro ang iyong pundasyon. At gagawin kong mga rubi ang iyong mga tore, at mga karbungko ang iyong mga pintuan, at mahahalagang bato ang lahat mong mga pader. Lahat ng iyong anak ay tuturuan ng PANGINOON; at magiging malaki ang kasaganaan ng iyong mga anak. Sa katuwiran ay matatatag ka. Ikaw ay malalayo sa pang-aapi sapagkat ikaw ay hindi matatakot, at sa pagkasindak, sapagkat ito'y hindi lalapit sa iyo. Kung may magsimula ng alitan, ito'y hindi mula sa akin. Sinumang makipag-away sa iyo ay mabubuwal dahil sa iyo. Narito, ako ang lumalang sa panday na humihihip sa apoy ng mga baga, at naglalabas ng sandata para sa kanyang gawa. Akin ding nilalang ang mangwawasak upang mangwasak. Walang sandata na ginawa laban sa iyo ang magtatagumpay, at bawat dila na babangon laban sa iyo sa kahatulan, ay iyong hahatulan. Ito ang mana ng mga lingkod ng PANGINOON, at ang pagiging matuwid nila ay mula sa akin, sabi ng PANGINOON." "O lahat ng nauuhaw, pumarito kayo sa tubig at siyang walang salapi, pumarito kayo, kayo'y bumili at kumain! Pumarito kayo, kayo'y bumili ng alak at gatas ng walang salapi at walang halaga. Ano't kayo'y gumugugol ng salapi sa hindi pagkain, at ng inyong sahod sa hindi nakakabusog? Pakinggan ninyo akong mabuti, at kainin ninyo kung ano ang mabuti, at malugod kayo sa katabaan. Ang inyong tainga ay inyong ikiling, at pumarito kayo sa akin; kayo'y makinig upang ang inyong kaluluwa ay mabuhay. Ako'y makikipagtipan sa inyo ng walang hanggan, ayon sa tapat na kahabagang ipinakita kay David. Narito, ginawa ko siyang saksi sa mga bayan, isang pinuno at punong kawal para sa mga bayan. Narito, ang mga bansa na hindi mo nakikilala ay tatawagin mo, at ang bansa na hindi ka nakikilala ay tatakbo sa iyo, dahil sa PANGINOON mong Diyos, at para sa Banal ng Israel; sapagkat kanyang niluwalhati ka. "Inyong hanapin ang PANGINOON habang siya'y matatagpuan, tumawag kayo sa kanya habang siya'y malapit. Lisanin ng masama ang kanyang lakad, at ng liko ang kanyang mga pag-iisip; at manumbalik siya sa PANGINOON, at kanyang kaaawaan siya; at sa aming Diyos, sapagkat siya'y magpapatawad ng sagana. Sapagkat ang aking mga pag-iisip ay hindi ninyo mga pag-iisip, ni ang inyong mga pamamaraan ay aking mga pamamaraan, sabi ng PANGINOON. Sapagkat kung paanong ang langit ay higit na mataas kaysa lupa, gayon ang aking mga pamamaraan ay higit na mataas kaysa inyong mga pamamaraan, at ang aking mga pag-iisip kaysa inyong mga pag-iisip. "Sapagkat kung paanong ang ulan at ang niyebe ay bumabagsak mula sa langit, at hindi bumabalik doon kundi dinidilig ang lupa, at ito'y pinasisibulan at pinatutubuan, at nagbibigay ng binhi sa maghahasik at pagkain sa kumakain, magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa bibig ko; hindi ito babalik sa akin na walang bunga, kundi gaganapin ang ayon sa layunin ko, at magtatagumpay sa bagay na kung saan ay sinugo ko ito. "Sapagkat kayo'y lalabas na may kagalakan, at papatnubayang may kapayapaan. Ang mga bundok at ang mga burol sa harapan ninyo ay magbubulalas ng pag-awit, at ipapalakpak ng lahat ng punungkahoy sa parang ang kanilang mga kamay. Sa halip na tinik, puno ng sipres ang tutubo; sa halip na dawag, tutubo ang punong mirtol; at ito'y magiging sa PANGINOON bilang isang alaala, para sa walang hanggang tanda na hindi maglalaho." Ganito ang sabi ng PANGINOON: "Kayo'y magpairal ng katarungan, at gumawa ng matuwid; sapagkat ang aking pagliligtas ay malapit nang dumating, at ang aking katuwiran ay mahahayag. Mapalad ang taong gumagawa nito, at ang anak ng tao na nanghahawak dito; na nangingilin ng Sabbath at hindi ito nilalapastangan, at umiiwas sa paggawa ng anumang kasamaan." Ang dayuhan na sumanib sa PANGINOON ay huwag magsasabi, "Tiyak na ihihiwalay ako ng PANGINOON sa kanyang bayan"; at huwag sasabihin ng eunuko, "Narito, ako'y punungkahoy na tuyo." Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON: "Tungkol sa mga eunuko na nangingilin ng aking mga Sabbath, at pumipili ng mga bagay na nakakalugod sa akin, at nag-iingat ng aking tipan, ibibigay ko sa kanila sa aking bahay at sa loob ng aking mga pader, ang isang alaala at pangalan na higit na mabuti kaysa mga anak na lalaki at babae; bibigyan ko sila ng walang hanggang pangalan, na hindi maglalaho. "At ang mga dayuhan na sumanib sa PANGINOON, upang maglingkod sa kanya at ibigin ang pangalan ng PANGINOON, at maging kanyang mga lingkod, bawat nangingilin ng Sabbath at hindi nilalapastangan ito, at nag-iingat ng aking tipan — sila ay dadalhin ko sa aking banal na bundok, at pasasayahin ko sila sa aking bahay dalanginan. Ang kanilang mga handog na sinusunog at ang kanilang mga alay ay tatanggapin sa aking dambana; sapagkat ang aking bahay ay tatawaging bahay panalanginan para sa lahat ng mga bayan. Gayon ang sabi ng Panginoong DIYOS, na nagtitipon ng mga itinapon mula sa Israel, titipunin ko pa ang iba sa kanya bukod sa mga natipon na." Kayong lahat na mga hayop sa parang, kayo'y pumarito upang manakmal — kayong lahat na mga hayop sa gubat. Ang kanyang mga bantay ay mga bulag, silang lahat ay walang kaalaman; silang lahat ay mga piping aso, sila'y hindi makatahol; nananaginip, nakahiga, maibigin sa pagtulog. Ang mga aso ay matatakaw, sila'y kailanman ay walang kabusugan. At sila'y mga pastol na walang pang-unawa, silang lahat ay lumihis sa kanilang sariling daan, bawat isa'y sa kanyang pakinabang hanggang sa kahuli-hulihan. "Kayo'y pumarito," sabi nila, "kumuha tayo ng alak, at punuin natin ang ating sarili ng matapang na inumin; at ang bukas ay magiging gaya ng araw na ito, dakila at walang katulad." Ang matuwid ay namamatay, at walang taong nagdararadam; ang mga taong tapat ay pumapanaw, samantalang walang nakakaunawa. Sapagkat ang matuwid na tao ay inilalayo sa kasamaan. Siya'y pumapasok sa kapayapaan; sila'y nagpapahinga sa kanilang mga higaan bawat isa'y lumalakad sa kanyang katuwiran. Ngunit kayo, magsilapit kayo rito, kayong mga anak ng babaing manghuhula, mga supling ng masamang babae at mangangalunya. Sino ang inyong tinutuya? Laban kanino kayo nagbubukas ng bibig, at naglalawit ng dila? Hindi ba kayo'y mga anak ng pagsuway, supling ng pandaraya, kayong mga nag-aalab na may pagnanasa sa gitna ng mga ensina, sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy; na pumapatay ng inyong mga anak sa mga libis, sa mga bitak ng mga bato sa mga bangin? Sa gitna ng mga makinis na bato sa libis ang iyong bahagi; sila, sila ang iyong bahagi; sa kanila ka nagbuhos ng inuming handog, ikaw ay nag-alay ng handog na butil. Mapapayapa ba ako sa mga bagay na ito? Sa isang mataas at matayog na bundok ay inilagay mo ang iyong higaan; doon ka naman sumampa upang maghandog ng alay. At sa likod ng mga pintuan at ng mga hamba ay itinaas mo ang iyong sagisag; sapagkat hinubaran mo ang iyong sarili sa iba kaysa akin, at ikaw ay sumampa roon, iyong pinaluwang ang iyong higaan; at nakipagtipan ka sa kanila, iyong inibig ang kanilang higaan minasdan mo ang kanilang pagkalalaki. Ikaw ay naglakbay sa hari na may dalang langis, at pinarami mo ang iyong mga pabango; at iyong ipinadala ang iyong mga sugo sa malayo, at iyong pinababa hanggang sa Sheol. Ikaw ay napagod sa kahabaan ng iyong lakad, gayunma'y hindi mo sinabi, "Ito'y walang pag-asa"; ikaw ay nakasumpong ng bagong buhay para sa iyong lakas, kaya't hindi ka nanlupaypay. At kanino ka nangilabot at natakot, anupa't ikaw ay nagsinungaling, at hindi mo ako inalaala, o inisip mo man? Hindi ba ako tumahimik nang matagal na panahon, at hindi mo ako kinatatakutan? Aking ipahahayag ang iyong katuwiran at ang iyong mga gawa, ngunit hindi mo mapapakinabangan. Kapag ikaw ay sumigaw, iligtas ka nawa ng mga diyus-diyosang iyong tinipon! Ngunit tatangayin sila ng hangin, isang hinga ang tatangay sa kanila. Ngunit siyang nanganganlong sa akin ay mag-aari ng lupain, at magmamana ng aking banal na bundok. At kanyang sasabihin, "Inyong patagin, inyong patagin, ihanda ninyo ang lansangan, inyong alisin ang bawat sagabal sa lansangan ng aking bayan." Sapagkat ganito ang sabi ng Mataas at Matayog na tumatahan sa walang hanggan, na ang pangalan ay Banal: "Ako'y naninirahan sa mataas at banal na dako, at gayundin sa may pagsisisi at mapagpakumbabang-loob, upang buhayin ang loob ng mapagpakumbaba, at upang buhayin ang puso ng may pagsisisi. Sapagkat hindi ako makikipagtalo magpakailanman, o magagalit man akong lagi; sapagkat ang espiritu ay manlupaypay sa harap ko, at ang mga kaluluwa na aking ginawa. Dahil sa kasamaan ng kanyang kasakiman ay nagalit ako, sinaktan ko siya, ikinubli ko ang aking mukha at ako'y nagalit; ngunit nagpatuloy siya sa pagtalikod sa lakad ng kanyang puso. Aking nakita ang kanyang mga lakad, ngunit pagagalingin ko siya; aking papatnubayan siya, at panunumbalikin ko sa kanya ang kaaliwan, at sa mga nananangis sa kanya. Aking nilikha ang bunga ng mga labi. Kapayapaan, kapayapaan, sa kanya na malayo at sa kanya na malapit, sabi ng PANGINOON; at aking pagagalingin siya. Ngunit ang masama ay parang maunos na dagat; sapagkat hindi matatahimik, at ang kanyang tubig ay naglalabas ng burak at dumi. Walang kapayapaan, sabi ng aking Diyos, para sa masasama." "Sumigaw ka nang malakas, huwag kang magpigil, ilakas mo ang iyong tinig na parang trumpeta; at iyong ipahayag sa aking bayan ang kanilang pagsuway, at sa sambahayan ni Jacob ang kanilang mga kasalanan. Gayunma'y hinahanap nila ako araw-araw, at kinalulugdan nilang malaman ang aking mga daan; na parang sila'y isang bansa na gumawa ng kabutihan, at ang tuntunin ng kanilang Diyos ay hindi tinalikuran; hinihingan nila ako ng matutuwid na kahatulan, sila'y nalulugod sa paglapit sa Diyos. 'Bakit kami ay nag-ayuno, at hindi mo nakikita? Bakit hindi mo napapansin ang aming pagpapakumbaba?' Sa araw ng inyong pag-aayuno ay hinahanap ninyo ang inyong sariling kalayawan, at inyong pinahihirapan ang lahat ninyong mga manggagawa. Narito, kayo'y nag-aayuno upang makipag-away at makipagtalo, at upang manakit ng masamang kamao. Hindi kayo nag-aayuno sa araw na ito, upang maiparinig ang inyong tinig sa itaas. Iyan ba ang ayuno na aking pinili? Isang araw upang magpakumbaba ang tao sa kanyang sarili? Iyon ba'y ang iyuko ang kanyang ulo na parang yantok, at maglatag ng damit-sako at abo sa ilalim niya? Iyo bang tatawagin ito na ayuno, at araw na katanggap-tanggap sa PANGINOON? "Hindi ba ito ang ayuno na aking pinili: na kalagin ang mga tali ng kasamaan, na kalasin ang mga panali ng pamatok, na palayain ang naaapi, at baliin ang bawat pamatok? Hindi ba ito ay upang ibahagi ang iyong tinapay sa nagugutom, at dalhin sa iyong bahay ang dukha na walang tuluyan? Kapag nakakita ka ng hubad, iyong bihisan; at huwag kang magkubli sa iyong sariling laman? Kung magkagayo'y sisikat ang iyong liwanag na parang umaga, at ang iyong kagalingan ay biglang lilitaw; at ang iyong katuwiran ay mangunguna sa iyo; ang kaluwalhatian ng PANGINOON ay magiging iyong bantay sa likod. Kung magkagayo'y tatawag ka at ang PANGINOON ay sasagot; ikaw ay dadaing, at siya'y magsasabi, Narito ako. "Kung iyong alisin sa gitna mo ang pamatok, ang pang-alipusta, at ang pagsasalita ng masama; Kung magmamagandang-loob ka sa gutom, at iyong tugunin ang nais ng nagdadalamhati, kung magkagayo'y sisilang ang iyong liwanag sa kadiliman, at ang iyong kadiliman ay magiging parang katanghaliang-tapat. At patuloy na papatnubayan ka ng PANGINOON, at masisiyahan ang iyong kaluluwa sa tuyong dako, at palalakasin ang iyong mga buto; at ikaw ay magiging parang halamanang nadilig, at parang bukal na ang tubig ay hindi nauubos. At mula sa inyo ay itatayo ang dating sirang dako; ikaw ay magbabangon ng mga saligan ng maraming salinlahi; at ikaw ay tatawaging tagapag-ayos ng sira, ang tagapagsauli ng mga landas na matatahanan. "Kapag iyong iurong ang iyong paa dahil sa Sabbath, sa paggawa ng iyong kalayawan sa aking banal na araw; at iyong tinawag ang Sabbath bilang isang kasiyahan, at marangal ang banal na araw ng PANGINOON, at ito'y iyong pinarangalan, na hindi ka lalakad sa iyong mga sariling lakad, ni hahanap ng iyong sariling kalayawan ni magsasalita ng iyong mga salita; kung magkagayo'y malulugod ka sa PANGINOON, at pasasakayin kita sa mga matataas na dako sa lupa; at pakakainin kita ng mana ni Jacob na iyong ama, sapagkat sinalita ng bibig ng PANGINOON." Narito, ang kamay ng PANGINOON ay hindi maikli na di makapagligtas; ni hindi mahina ang kanyang pandinig, na ito'y di makarinig. Ngunit pinaghiwalay ng inyong mga kasamaan kayo at ang inyong Diyos, at ang inyong mga kasalanan ay siyang nagkubli ng kanyang mukha sa inyo, anupa't siya'y hindi nakikinig. Sapagkat ang inyong mga kamay ay nadungisan ng dugo, at ang inyong mga daliri ng kasamaan; ang inyong mga labi ay nagsalita ng mga kasinungalingan, ang inyong dila ay nagsasalita ng kasamaan. Walang nagdadala ng usapin na may katarungan, at nagtutungo sa batas na may katapatan; sila'y nagtitiwala sa kalituhan, sila'y nagsasalita ng mga kasinungalingan; sila'y naglilihi ng kalikuan, at nanganganak ng kasamaan. Sila'y pumipisa ng mga itlog ng ahas, at gumagawa ng bahay ng gagamba; ang kumakain ng kanilang itlog ay namamatay, at ang napipisa ay nilalabasan ng ulupong. Ang kanilang mga bahay ng gagamba ay hindi magiging mga kasuotan, hindi nila matatakpan ang kanilang sarili ng kanilang mga ginawa. Ang kanilang mga gawa ay mga gawa ng kasamaan, at ang mararahas na gawa ay nasa kanilang mga kamay. Ang kanilang mga paa ay tumatakbo sa kasamaan, at sila'y nagmamadaling nagpapadanak ng dugong walang kasalanan, ang kanilang mga pag-iisip ay mga pag-iisip ng kasamaan, pagwasak at paggiba ang nasa kanilang mga daan. Ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nalalaman, sa kanilang mga lakad ay walang katarungan, ginawa nilang liku-liko ang kanilang mga daan, sinumang lumalad doon ay hindi nakakaalam ng kapayapaan. Kaya't malayo sa amin ang katarungan, at hindi umaabot sa amin ang katuwiran, kami'y naghahanap ng liwanag, ngunit, narito ang kadiliman; at ng kaliwanagan, ngunit naglalakad kami sa kadiliman. Kami'y nangangapa sa bakod na parang bulag, oo, kami'y nangangapa na gaya nila na walang mga mata, kami'y natitisod sa katanghaliang-tapat na gaya sa gabi, sa gitna ng malalakas, kami'y parang mga patay. Kaming lahat ay umuungol na parang mga oso, kami'y dumaraing nang may kalungkutan parang mga kalapati, kami'y naghahanap ng katarungan, ngunit wala; ng kaligtasan, ngunit iyon ay malayo sa amin. Sapagkat ang aming mga pagsuway ay dumami sa harapan mo, at ang aming mga kasalanan ay nagpapatotoo laban sa amin, sapagkat ang aming mga pagsuway ay kasama namin, at ang sa aming mga kasamaan ay nalalaman namin; na sinusuway at itinatatwa ang PANGINOON, at lumalayo sa pagsunod sa aming Diyos, na nagsasalita ng pang-aapi at paghihimagsik, na nagbabalak at nagsasalita mula sa puso ng mga salitang asinungalingan. Ang katarungan ay tumatalikod, at ang katuwiran ay tumatayo sa malayo; sapagkat ang katotohanan ay nahulog sa lansangan, at hindi makapasok ang katuwiran. Nagkukulang sa katotohanan, at ang humihiwalay sa kasamaan ay ginagawang biktima ang kanyang sarili. Ito'y nakita ng PANGINOON, at ikinasama ng kanyang loob na walang katarungan. Kanyang nakita na walang tao, at namangha na walang sinumang mamamagitan; kaya't ang kanyang sariling bisig ay nagdala ng tagumpay sa kanya, at ang kanyang katuwiran ay umalalay sa kanya. At bilang baluti ay nagsuot siya ng katuwiran, at sa kanyang ulo ay helmet ng kaligtasan; siya'y nagdamit ng mga bihisan ng paghihiganti bilang kasuotan, at bilang balabal ang sarili ay binalutan ng sikap. Ayon sa kanilang mga gawa, ay gayon niya gagantihin, poot sa kanyang mga kalaban, ganti sa kanyang mga kaaway; sa mga pulo ay ganti ang kanyang ipapataw. Sa gayo'y katatakutan nila ang pangalan ng PANGINOON mula sa kanluran, at ang kanyang kaluwalhatian ay mula sa sikatan ng araw, sapagkat siya'y darating na parang bugso ng tubig na itinataboy ng hininga ng PANGINOON. "Ang isang Manunubos ay darating sa Zion, at sa kanila sa Jacob na humihiwalay sa pagsuway, sabi ng PANGINOON. "At tungkol sa akin, ito ang aking tipan sa kanila, sabi ng PANGINOON: ang aking Espiritu na nasa iyo at ang aking mga salita na inilagay ko sa iyong bibig, ay hindi hihiwalay sa iyong bibig, o sa bibig man ng iyong lahi, o sa bibig man ng angkan ng iyong lahi, sabi ng PANGINOON, mula ngayon at magpakailanpaman." Ikaw ay bumangon, magliwanag ka, sapagkat ang iyong liwanag ay dumating, at ang kaluwalhatian ng PANGINOON ay sumikat sa iyo. Sapagkat narito, tatakpan ang lupa ng kadiliman, at ng makapal na dilim ang mga bayan. Ngunit ang PANGINOON ay sisikat sa iyo, at ang kanyang kaluwalhatian ay makikita sa iyo. At ang mga bansa ay paroroon sa iyong liwanag, at ang mga hari sa ningning ng iyong pagsikat. Imulat mo ang iyong mata sa palibot, at ikaw ay tumingin. Silang lahat ay nagtitipon, sila'y pumaroon sa iyo, ang iyong mga anak na lalaki ay magmumula sa malayo, at ang iyong mga anak na babae ay kakalungin. Kung magkagayon ikaw ay makakakita at maliliwanagan, at ang iyong puso ay manginginig sa tuwa at magagalak, sapagkat ang kasaganaan ng dagat ay dadalhin sa iyo, ang kayamanan ng mga bansa ay darating sa iyo. Tatakpan ka ng napakaraming kamelyo, ng mga batang kamelyo ng Midian at Efa; lahat ng mula sa Seba ay darating. Sila'y magdadala ng ginto at kamanyang, at maghahayag ng kapurihan ng PANGINOON. Lahat ng kawan sa Kedar ay matitipon sa iyo, ang mga lalaking tupa sa Nebayot ay maglilingkod sa iyo; sila'y aahon na may pagtanggap sa aking dambana, at aking luluwalhatiin ang aking maluwalhating bahay. Sino ang mga ito na lumilipad na parang ulap, at parang mga kalapati sa kanilang mga bintana? Tunay na ang mga pulo ay maghihintay sa akin, at ang mga sasakyang-dagat ng Tarsis ay siyang mangunguna, upang dalhin ang iyong mga anak mula sa malayo, ang kanilang pilak at kanilang ginto na kasama nila, dahil sa pangalan ng PANGINOON mong Diyos, at dahil sa Banal ng Israel, sapagkat kanyang niluwalhati ka. Itatayo ng mga dayuhan ang mga kuta mo, at ang kanilang mga hari ay maglilingkod sa iyo; sapagkat sa aking poot ay sinaktan kita, ngunit sa aking biyaya ako sa iyo ay naawa. Magiging laging bukas ang iyong mga pintuan, hindi isasara sa araw o sa gabi man; upang ang mga tao ay magdala sa iyo ng kayamanan ng mga bansa, at ang kanilang mga hari ang nangunguna sa hanay. Sapagkat ang bansa at kaharian na hindi maglilingkod sa iyo ay mamamatay; ang mga bansang iyon ay malilipol nang lubusan. Ang kaluwalhatian ng Lebanon ay darating sa iyo, ang puno ng sipres, ng abeto at ng pino na magkakasama, upang pagandahin ang dako ng aking santuwaryo; at aking gagawing maluwalhati ang lugar ng mga paa ko. At ang mga anak nila na umapi sa iyo ay paroroong nakayuko sa iyo; at silang lahat na humamak sa iyo ay yuyukod sa talampakan ng mga paa mo; at tatawagin ka nilang "Ang Lunsod ng PANGINOON, ang Zion ng Banal ng Israel." Yamang ikaw ay napabayaan at kinamuhian, na anupa't walang tao na sa iyo ay dumaraan, gagawin kitang walang hanggang karilagan, na sa maraming salinlahi ay kagalakan. Ikaw ay iinom ng gatas ng mga bansa, at sususo sa mga suso ng mga hari; at iyong malalaman na akong PANGINOON ay Tagapagligtas mo at Manunubos, Makapangyarihan ng Jacob. Sa halip na tanso ay magdadala ako ng ginto, at sa halip na bakal ay magdadala ako ng pilak, sa halip na kahoy ay tanso, sa halip na mga bato ay bakal. Ang Kapayapaan ay gagawin kong mga tagapangasiwa mo, at ang Katuwiran bilang iyong tagapamahala. Hindi na maririnig sa iyong lupain ang Karahasan, ni ang pagkawasak o pagkagiba sa loob ng iyong mga hangganan; ang iyong mga pader ay tatawagin mong Kaligtasan, at Papuri ang iyong mga pintuan. Ang araw ay hindi na magiging iyong liwanag kapag araw; o ang buwan man ay magbibigay sa iyo ng liwanag. Kundi ang PANGINOON ang magiging iyong walang hanggang liwanag, at ang iyong Diyos ay iyong kaluwalhatian. Ang iyong araw ay hindi na lulubog, o ang iyo mang buwan ay lulubog; sapagkat ang PANGINOON ay magiging iyong walang hanggang liwanag, at ang mga araw ng iyong pagtangis ay matatapos. Magiging matuwid na lahat ang iyong bayan, kanilang aangkinin ang lupain magpakailanman, ang sanga ng aking pananim, ang gawa ng aking mga kamay, upang ako'y luwalhatiin. Ang pinakamaliit ay magiging isang angkan, at ang pinakakaunti ay magiging isang makapangyarihang bansa. Ako ang PANGINOON, ito ay mabilis kong gagawin sa kapanahunan nito. Ang Espiritu ng Panginoong DIYOS ay sumasaakin; sapagkat hinirang ako ng PANGINOON upang ipangaral ang mabuting balita sa inaapi kanyang sinugo ako upang magpagaling ng mga bagbag na puso, upang magpahayag ng kalayaan sa mga bihag, at buksan ang bilangguan sa mga bilanggo; upang ihayag ang kalugud-lugod na taon ng PANGINOON, at ang araw ng paghihiganti ng ating Diyos; upang aliwin ang lahat ng tumatangis; upang pagkalooban sila na tumatangis sa Zion — upang bigyan sila ng putong na bulaklak sa halip na mga abo, sa halip na pagtangis ay langis ng kagalakan, sa halip na lupaypay na diwa ay damit ng kapurihan, upang sila'y matawag na mga punungkahoy ng katuwiran, ang pananim ng PANGINOON, upang siya'y bigyan ng kaluwalhatian. Kanilang itatayong muli ang mga sinaunang naguho, kanilang ibabangon ang mga dating giba, kanilang kukumpunihin ang mga lunsod na sira, na sa maraming salinlahi ay nagiba. At tatayo ang mga dayuhan at pakakainin ang inyong mga kawan, at magiging inyong mga tagapag-araro ang mga dayuhan at manggagawa sa ubasan. Ngunit kayo'y tatawaging mga pari ng PANGINOON, tatawagin kayo ng mga tao bilang mga tagapaglingkod ng ating Diyos, kayo'y kakain ng kayamanan ng mga bansa, at sa kanilang kaluwalhatian ay magmamapuri kayo. Magtatamo kayo ng dalawang bahagi sa halip na kahihiyan, sa halip na paghamak ay magagalak kayo sa inyong kapalaran; kaya't sa inyong lupain ay dalawang bahagi ang aariin ninyo, walang hanggang kagalakan ang mapapasa inyo. Sapagkat akong PANGINOON ay umiibig sa katarungan, kinapopootan ko ang pagnanakaw at handog na sinusunog; at aking tapat na ibibigay sa kanila ang kanilang gantimpala, at ako'y makikipagtipan sa kanila ng walang hanggan. At ang kanilang mga lahi ay makikilala sa gitna ng mga bansa, at ang kanilang supling sa gitna ng mga bayan; lahat ng nakakakita sa kanila ay kikilalanin sila, na sila ang bayang pinagpala ng PANGINOON. Ako'y magagalak na mabuti sa PANGINOON, ang aking buong pagkatao ay magagalak sa aking Diyos; sapagkat binihisan niya ako ng mga damit ng kaligtasan, kanyang tinakpan ako ng balabal ng katuwiran, gaya ng lalaking ikakasal na ginagayakan ang sarili ng palamuting bulaklak, at gaya ng babaing ikakasal na nagagayakan ng kanyang mga hiyas. Sapagkat kung paanong ang lupa'y nagpapatubo ng kanyang pananim, at kung paanong ang halamanan ay nagpapasibol ng mga bagay na sa kanya'y itinanim, gayon pasisibulin ng Panginoong DIYOS ang katuwiran at kapurihan sa harapan ng lahat ng bansa. Alang-alang sa Zion ay hindi ako tatahimik, at alang-alang sa Jerusalem ay hindi ako magpapahinga, hanggang sa ang kanyang katuwiran ay lumitaw na parang ningning, at ang kanyang kaligtasan na gaya ng sulong nagniningas. At makikita ng mga bansa ang iyong katuwiran, at ng lahat na hari ang iyong kaluwalhatian; at ikaw ay tatawagin sa bagong pangalan na ipapangalan ng bibig ng PANGINOON. Ikaw naman ay magiging korona ng kagandahan sa kamay ng PANGINOON, at koronang hari sa kamay ng iyong Diyos. Hindi ka na tatawagin pang 'Pinabayaan'; hindi na rin tatawagin pa ang iyong lupain na 'Giba'; kundi ikaw ay tatawaging 'Ang Aking Katuwaan Ay Nasa Kanya', at ang iyong lupain ay tatawaging 'May Asawa', sapagkat ang PANGINOON ay nalulugod sa iyo, at ang iyong lupain ay magiging may asawa. Sapagkat kung paanong ang binata ay ikinakasal sa dalaga, gayon ikakasal ka sa iyong mga anak na lalaki, at kung paanong ang lalaking ikakasal ay nagagalak sa babaing ikakasal, gayon magagalak ang Diyos sa iyo. Ako'y naglagay ng mga bantay sa iyong mga pader, O Jerusalem; sila'y hindi tatahimik kailanman sa araw o sa gabi. Kayong mga umaalala sa PANGINOON, huwag kayong magpahinga, at huwag ninyo siyang bigyan ng kapahingahan, hanggang sa maitatag niya at gawing kapurihan ang Jerusalem sa daigdig. Ang PANGINOON ay sumumpa ng kanyang kanang kamay, at ng bisig ng kanyang kalakasan: "Hindi ko na muling ibibigay ang iyong trigo upang maging pagkain ng mga kaaway mo, at ang mga dayuhan ay hindi iinom ng alak na pinagpagalan mo. Kundi silang nag-imbak niyon ay kakain niyon, at magpupuri sa PANGINOON, at silang nagtipon niyon ay iinom niyon sa mga looban ng aking santuwaryo." Kayo'y dumaan, kayo'y dumaan sa mga pintuan, inyong ihanda ang lansangan para sa bayan; inyong kayo, inyong gawin ang maluwang na lansangan, inyong alisin ang mga bato; sa ibabaw ng mga bayan ang watawat ay itaas ninyo. Narito ipinahayag ng PANGINOON hanggang sa dulo ng lupa: Inyong sabihin sa anak na babae ng Zion, "Narito ang iyong kaligtasan ay dumarating; ang kanyang gantimpala ay nasa kanya, at ang kanyang ganti ay nasa harapan niya." At sila'y tatawaging "Ang banal na bayan, Ang tinubos ng PANGINOON"; at ikaw ay tatawaging "Hinanap, Lunsod na hindi pinabayaan." Sino ito na nanggagaling sa Edom, na may mga kasuotang matingkad na pula mula sa Bosra? Siya na maluwalhati sa kanyang suot, na lumalakad sa kadakilaan ng kanyang lakas? "Ako iyon na nagsasalita ng katuwiran, makapangyarihang magligtas." Bakit pula ang iyong kasuotan, at ang iyong damit ay gaya niyong yumayapak sa pisaan ng alak? "Aking niyapakan ang pisaan ng alak na mag-isa, at mula sa mga bayan ay wala akong kasama; sa aking galit ay akin silang niyapakan, at sa aking poot ay akin silang niyurakan; at ang kanilang dugo ay tumilamsik sa mga suot ko, at namantsahan ang lahat ng suot ko. Sapagkat ang araw ng paghihiganti ay nasa aking puso, at ang aking taon ng pagtubos ay dumating. Ako'y tumingin, ngunit walang sinumang tutulong, ako'y namangha ngunit walang umalalay; kaya't iniligtas ako ng aking sariling kamay, at ang aking poot sa akin ay umalalay. Aking niyapakan ang mga bayan sa aking galit, nilasing ko sila sa aking poot, at ibinuhos ko sa lupa ang kanilang dugo. Aking aalalahanin ang kagandahang-loob ng PANGINOON, at ang mga kapurihan ng PANGINOON, ayon sa lahat na ipinagkaloob ng PANGINOON sa amin, at ang dakilang kabutihan na kanyang ginawa sa sambahayan ni Israel na kanyang ipinagkaloob sa kanila ayon sa kanyang kaawaan, at ayon sa kasaganaan ng kanyang kagandahang-loob. Sapagkat kanyang sinabi, "Tunay na sila'y aking bayan, mga anak na hindi gagawang may kasinungalingan; at siya'y naging kanilang Tagapagligtas. Sa lahat nilang pagdadalamhati ay nadalamhati siya, at iniligtas sila ng anghel na nasa kanyang harapan; sa kanyang pag-ibig at sa kanyang pagkaawa ay tinubos niya sila; at kanyang itinaas at kinalong sila sa lahat ng mga araw noong una. Ngunit sila'y naghimagsik, at pinighati ang kanyang Banal na Espiritu; kaya't siya'y naging kaaway nila, at siya mismo ay lumaban sa kanila. Nang magkagayo'y naalala ng kanyang bayan ang mga araw nang una, tungkol kay Moises. Nasaan siya na nag-ahon mula sa dagat, na kasama ng mga pastol ng kanyang kawan? Nasaan siya na naglagay sa gitna nila ng kanyang Banal na Espiritu? Sinong naglagay ng kanyang maluwalhating bisig na humayong kasama ng kanang kamay ni Moises, na humawi ng tubig sa harapan nila, upang gumawa para sa kanyang sarili ng walang hanggang pangalan? Sinong pumatnubay sa kanila sa mga kalaliman? Gaya ng isang kabayo sa ilang ay hindi sila natisod. Gaya ng kawan na bumababa sa libis, ay pinapagpapahinga sila ng Espiritu ng PANGINOON. Gayon mo pinatnubayan ang iyong bayan, upang gumawa para sa iyong sarili ng isang maluwalhating pangalan. Tumingin ka mula sa langit, at iyong masdan, mula sa iyong banal at maluwalhating tahanan. Nasaan ang iyong sigasig at ang iyong kapangyarihan? Ang hangad ng iyong puso at ang iyong habag ay iniurong mo sa akin. Sapagkat ikaw ay aming Ama, bagaman hindi kami nakikilala ni Abraham, at hindi kami kinikilala ng Israel. Ikaw, O PANGINOON, ay aming Ama, aming Manunubos noong una pa ay ang iyong pangalan. O PANGINOON, bakit mo kami iniligaw sa iyong mga daan, at pinapagmatigas mo ang aming puso na anupa't hindi kami natakot sa iyo? Ikaw ay magbalik alang-alang sa iyong mga lingkod, na mga lipi ng iyong mana. Inaring sandali lamang ng iyong banal na bayan ang santuwaryo, niyapakan ito ng aming mga kaaway. Kami ay naging gaya ng mga hindi mo pinamahalaan kailanman, gaya ng mga hindi tinatawag sa iyong pangalan. O buksan mo sana ang langit at ikaw ay bumaba, upang ang mga bundok ay mayanig sa iyong harapan — gaya nang kapag tinutupok ng apoy ang kakahuyan, at pinakukulo ng apoy ang tubig — upang ipakilala ang iyong pangalan sa iyong mga kaaway, at upang ang mga bansa ay manginig sa iyong harapan! Nang ikaw ay gumawa ng mga kakilakilabot na bagay na hindi namin hinihintay, ikaw ay bumaba, ang mga bundok ay nayanig sa iyong harapan. Sapagkat hindi narinig ng mga tao mula nang una, o naulinigan man ng pandinig, o ang mata man ay nakakita ng Diyos liban sa iyo, na gumagawa para sa mga naghihintay sa kanya. Iyong sinasalubong siya na nagagalak na gumagawa ng katuwiran, ang mga umaalala sa iyo sa iyong mga daan. Narito, ikaw ay nagalit, at kami ay nagkasala; matagal na panahon na kami sa aming mga kasalanan, at maliligtas ba kami? Kaming lahat ay naging gaya ng isang marumi, at ang lahat naming katuwiran ay naging parang maruming kasuotan. Kaming lahat ay nalalantang gaya ng dahon, at tinatangay kami ng aming mga kasamaan na parang hangin. At walang tumatawag sa iyong pangalan, na gumigising upang sa iyo ay manangan; sapagkat ikinubli mo ang iyong mukha sa amin, at ibinigay mo kami sa kamay ng aming mga kasamaan. Ngunit ngayon, O PANGINOON, ikaw ay aming Ama; kami ang luwad, at ikaw ang aming magpapalayok; at kaming lahat ay gawa ng iyong kamay. Huwag kang lubhang magalit, O PANGINOON, at huwag mong alalahanin ang kasamaan magpakailanman. Narito, tingnan mo, ngayon kaming lahat ay iyong bayan. Ang iyong mga lunsod na banal ay naging ilang, ang Zion ay naging giba, ang Jerusalem ay sira. Ang aming banal at magandang bahay, kung saan ka pinuri ng aming mga magulang ay nasunog sa apoy; at lahat naming mahahalagang bagay ay nasira. Magpipigil ka ba sa mga bagay na ito, O PANGINOON? Ikaw ba'y tatahimik, at paghihirapan mo kaming mabuti? IAko'y nakahandang tumugon sa mga hindi nagtatanong sa akin. Ako'y nakahandang matagpuan noong mga naghahanap sa akin. Aking sinabi, "Narito ako, narito ako," sa isang bansa na hindi tumawag sa pangalan ko. Iniunat ko ang aking mga kamay buong araw sa mapaghimagsik na bayan, na lumalakad sa hindi mabuting daan, na sumusunod sa kanilang sariling mga kalooban; isang Bayan na lagi akong ginagalit nang mukhaan, na naghahandog sa mga halamanan, at nagsusunog ng insenso sa ibabaw ng mga bato; na umuupo sa gitna ng mga libingan, at ginugugol ang magdamag sa lihim na dako; na kumakain ng laman ng baboy, at ang sabaw ng mga kasuklamsuklam na mga bagay ay nasa kanilang mga sisidlan; na nagsasabi, "Lumayo ka, huwag kang lumapit sa akin, sapagkat ako'y higit na banal kaysa iyo." Ang mga ito ay usok sa aking ilong, apoy na nagliliyab buong araw. Narito, nasusulat sa harap ko: "Hindi ako tatahimik, kundi ako'y gaganti, oo, ako'y gaganti sa kanilang sinapupunan. Ang inyong sariling mga kasamaan, at ang mga sama-samang kasamaan ng inyong mga magulang, sabi ng PANGINOON; sapagkat nagsunog sila ng insenso sa mga bundok, at inalipusta nila ako sa mga burol, susukatin ko sa kanilang kandungan ang kabayaran sa kanilang ginawa noong una." Ganito ang sabi ng PANGINOON: "Kung paanong natatagpuan ang bagong alak sa kumpol, at kanilang sinasabi, 'Huwag mong sirain, sapagkat diyan ay may pagpapala;' gayon ang gagawin ko alang-alang sa aking mga lingkod, at hindi ko sila pupuksaing lahat. At ako'y maglalabas ng mga lahi na mula sa Jacob, at mula sa Juda ay mga tagapagmana ng aking mga bundok; iyon ay mamanahin ng aking hinirang, at ang aking mga lingkod doon ay maninirahan. Ang Sharon ay magiging pastulan ng mga kawan, at ang Libis ng Acor ay dakong higaan ng mga bakahan, para sa aking bayan na humanap sa akin. Ngunit kayo na tumalikod sa PANGINOON, na lumimot sa aking banal na bundok, na naghahanda ng hapag para sa Kapalaran, at pinupuno ang kopa ng hinalong alak para sa Tadhana; Itatadhana ko kayo sa tabak, at kayong lahat ay yuyuko sa katayan; sapagkat nang ako'y tumawag, kayo'y hindi sumagot, nang ako'y magsalita, kayo'y hindi nakinig; kundi inyong ginawa ang masama sa aking paningin, at inyong pinili ang di ko kinaluluguran." Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: "Narito, ang aking mga lingkod ay magsisikain, ngunit kayo'y magugutom; narito, ang aking mga lingkod ay iinom, ngunit kayo'y mauuhaw; narito, magagalak ang aking mga lingkod, ngunit kayo'y mapapahiya; Narito, ang aking mga lingkod ay aawit dahil sa kagalakan ng puso, ngunit kayo'y dadaing dahil sa kalungkutan ng puso, at tatangis dahil sa pagkabagbag ng loob. Inyong iiwan ang inyong pangalan sa aking mga pinili bilang isang sumpa, at papatayin ka ng Panginoong DIYOS; ngunit ang kanyang mga lingkod ay tatawagin niya sa ibang pangalan. Upang siya na nagpapala sa sarili sa lupa sa pamamagitan ng Diyos ng katotohanan ay magpapala; at siyang sumusumpa sa lupa sa pangalan ng Diyos ng katotohanan ay susumpa; sapagkat ang mga dating kabagabagan ay nalimutan na, at nakubli sa aking mga mata. "Sapagkat narito, ako'y lumilikha ng mga bagong langit at bagong lupa; at ang mga dating bagay ay hindi na maaalala, o darating man sa isipan. Ngunit kayo'y matuwa at magalak magpakailanman sa aking nilikha; sapagkat, aking nililikha ang Jerusalem na isang kagalakan, at ang kanyang bayan na isang kaluguran. Ako'y magagalak sa Jerusalem, at maliligayahan sa aking bayan; at ang tinig ng iyak ay hindi na maririnig pa sa kanya, o ang tinig man ng daing. Hindi na magkakaroon doon ng sanggol na nabuhay lamang ng ilang araw, o ng matanda man na hindi nalubos ang kanyang mga araw; sapagkat ang kabataan ay mamamatay na may isandaang taong gulang, at susumpain ang taong hindi makaabot sa isandaang taong gulang. At sila'y magtatayo ng mga bahay at kanilang titirahan ang mga iyon; at sila'y magtatanim ng ubasan at kakain ng bunga niyon. Sila'y hindi magtatayo at iba ang titira, sila'y hindi magtatanim, at iba ang kakain; sapagkat gaya ng mga araw ng punungkahoy, ay magiging gayon ang mga araw ng aking bayan, at matagal na tatamasahin ng aking pinili ang gawa ng kanilang mga kamay. Sila'y hindi gagawa nang walang kabuluhan, o manganganak man para sa kapahamakan, sapagkat sila ang magiging supling ng mga pinagpala ng PANGINOON, at ang kanilang mga anak na kasama nila. At mangyayari na bago pa sila tumawag ay sasagot ako, samantalang sila'y nagsasalita ay makikinig ako. Ang asong-gubat at ang kordero ay manginginaing magkasama, at ang leon ay kakain ng dayami na gaya ng baka; at alabok ang magiging pagkain ng ahas. Sila'y hindi mananakit o maninira man sa lahat kong banal na bundok, sabi ng PANGINOON." Ganito ang sabi ng PANGINOON: "Ang langit ay aking trono, at ang lupa ay aking tuntungan. Ano ang bahay na inyong itatayo para sa akin? at ano ang dako ng aking pahingahan? Sapagkat lahat ng mga bagay na ito ay nilikha ng aking kamay, kaya't nangyari ang lahat ng mga bagay na ito, sabi ng PANGINOON. Ngunit ito ang taong aking titingnan, siya na mapagpakumbaba at may nagsisising diwa, at nanginginig sa aking salita. "Ang kumakatay ng baka ay gaya ng pumapatay ng tao; ang nag-aalay ng kordero ay gaya ng bumabali ng leeg ng aso; ang nag-aalay ng butil na handog ay gaya ng naghahandog ng dugo ng baboy; ang naghahandog ng kamanyang bilang pinakaalaala ay gaya ng pumupuri sa isang diyus-diyosan. Pinili ng mga ito ang kanilang sariling mga lakad, at ang kanilang kaluluwa ay nalulugod sa kanilang mga kasuklamsuklam. Pipili rin ako ng kapighatian para sa kanila, at dadalhan ko sila ng kanilang takot; sapagkat nang ako'y tumawag, walang sumagot, nang ako'y magsalita ay hindi sila nakinig; kundi sila'y gumawa sa aking paningin ng kasamaan, at pinili ang hindi ko kinaluluguran." Pakinggan ninyo ang salita ng PANGINOON, kayo na nanginginig sa kanyang salita: "Ang inyong mga kapatid na namumuhi sa inyo na nagtatakuwil sa inyo alang-alang sa aking pangalan, ang nagsabi, 'Luwalhatiin ang PANGINOON, upang makita namin ang inyong kagalakan;' ngunit sila ay mapapahiya. "May tinig ng kaguluhan mula sa lunsod! Isang tinig na mula sa templo! Ang tinig ng PANGINOON, na naggagawad ng ganti sa kanyang mga kaaway! "Bago siya nagdamdam, siya'y nanganak; bago dumating ang kanyang paghihirap, siya'y nanganak ng isang lalaki. Sinong nakarinig ng ganyang bagay? Sinong nakakita ng ganyang mga bagay? Ipapanganak ba ang lupain sa isang araw? Ilalabas ba sa isang sandali ang isang bansa? Sapagkat sa pasimula pa lamang ng pagdaramdam ng Zion, ay isinilang niya ang kanyang mga anak. Bubuksan ko ba ang bahay-bata at hindi ko paaanakin? sabi ng PANGINOON; ako ba na nagpapaanak ang siyang magsasara ng bahay-bata? sabi ng iyong Diyos. "Kayo'y magalak na kasama ng Jerusalem, at matuwa dahil sa kanya, kayong lahat na umiibig sa kanya; magalak kayong kasama niya sa katuwaan, kayong lahat na tumatangis dahil sa kanya; upang kayo'y makasuso at mabusog mula sa kanyang nakaaaliw na mga suso; upang kayo'y ganap na makasipsip na may kasiyahan mula sa kasaganaan ng kanyang kaluwalhatian." Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON: "Narito, ako'y magbibigay ng kapayapaan sa kanya na parang isang ilog, at ng kaluwalhatian ng mga bansa ay parang umaapaw na batis; at inyong sususuhin; kayo'y kakalungin sa kanyang balakang, at lilibangin sa kanyang mga tuhod. Gaya ng inaaliw ng kanyang ina, gayon ko aaliwin kayo; kayo'y aaliwin sa Jerusalem. Inyong makikita, at magagalak ang inyong puso; ang inyong mga buto ay giginhawang gaya ng sariwang damo; at malalaman na ang kamay ng PANGINOON ay nasa kanyang mga lingkod, at ang kanyang galit ay laban sa kanyang mga kaaway. "Sapagkat, ang PANGINOON ay darating na may apoy, at ang kanyang mga karwahe ay gaya ng ipu-ipo; upang igawad ang kanyang galit na may poot, at ang kanyang saway na may ningas ng apoy. Sapagkat sa pamamagitan ng apoy ay ilalapat ng PANGINOON ang hatol, at sa pamamagitan ng kanyang tabak sa lahat ng mga tao, at ang mapapatay ng PANGINOON ay magiging marami. "Silang nagpapakabanal, at nagpapakalinis upang pumaroon sa mga halamanan, na sumusunod sa nasa gitna, na kumakain ng laman ng baboy, ng kasuklamsuklam, at ng daga; sila'y sama-samang darating sa isang wakas, sabi ng PANGINOON. "Sapagkat nalalaman ko ang kanilang mga gawa at ang kanilang mga pag-iisip. Dumarating ang panahon upang tipunin ang lahat ng bansa at ang mga may iba't ibang wika; at sila'y paroroon at makikita ang aking kaluwalhatian. At ako'y maglalagay ng tanda sa gitna nila. At mula sa kanila ay aking susuguin ang mga nakaligtas sa mga bansa, sa Tarsis, Put, at Lud, na humahawak ng pana, sa Tubal at Javan, sa mga pulong malayo na hindi nakarinig ng aking kabantugan, o nakakita man ng aking kaluwalhatian. At kanilang ipahahayag ang aking kaluwalhatian sa gitna ng mga bansa. At kanilang dadalhin ang lahat ng inyong mga kapatid mula sa lahat ng bansa bilang handog sa PANGINOON, na nasasakay sa mga kabayo, sa mga karwahe, sa mga duyan, at sa mga mola, at sa mga kamelyo, sa aking banal na bundok na Jerusalem, sabi ng PANGINOON, gaya ng pagdadala ng mga anak ni Israel ng kanilang handog na butil sa malinis na sisidlan sa bahay ng PANGINOON. At ang ilan sa kanila ay kukunin ko ring mga pari at mga Levita, sabi ng PANGINOON. "Sapagkat kung paanong ang mga bagong langit at ang bagong lupa na aking lilikhain ay mananatili sa harapan ko, sabi ng PANGINOON, gayon mananatili ang inyong lahi, at ang inyong pangalan. At mula sa bagong buwan hanggang sa isa pang bagong buwan, at mula sa isang Sabbath hanggang sa isa pang Sabbath, paroroon ang lahat ng laman upang sumamba sa harapan ko, sabi ng PANGINOON. "At sila'y lalabas at titingin sa mga bangkay ng mga taong naghimagsik laban sa akin, sapagkat ang kanilang uod ay hindi mamamatay, o mamamatay man ang kanilang apoy; at sila'y magiging kasuklamsuklam sa lahat ng laman. Ang mga salita ni Jeremias na anak ni Hilkias, isa sa mga pari na nasa Anatot sa lupain ng Benjamin, na sa kanya dumating ang salita ng PANGINOON nang mga araw ni Josias na anak ni Amon, na hari ng Juda, nang ikalabintatlong taon ng kanyang paghahari. Dumating din ito nang mga araw ni Jehoiakim na anak ni Josias, hari ng Juda, at hanggang sa katapusan nang ikalabing-isang taon ni Zedekias, na anak ni Josias, hari ng Juda, hanggang sa pagkadalang-bihag ng Jerusalem nang ikalimang buwan. Ngayon, ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin na sinasabi, "Bago kita inanyuan sa sinapupunan ay kilala na kita, at bago ka ipinanganak, ikaw ay aking itinalaga; hinirang kitang propeta sa mga bansa." Nang magkagayo'y sinabi ko, "Ah, Panginoong DIYOS! Tingnan mo, hindi ako marunong magsalita, sapagkat ako'y kabataan pa." Ngunit sinabi sa akin ng PANGINOON, "Huwag mong sabihin, 'Ako'y isang kabataan;' sapagkat saanman kita suguin ay paroroon ka, at anumang iutos ko sa iyo ay sasabihin mo. Huwag kang matakot sa kanila, sapagkat ako'y kasama mo na magliligtas sa iyo, sabi ng PANGINOON." Pagkatapos ay iniunat ng PANGINOON ang kanyang kamay at hinipo ang aking bibig; at sinabi sa akin ng PANGINOON, "Narito, inilagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig. Tingnan mo, inilagay kita sa araw na ito sa ibabaw ng mga bansa at ng mga kaharian, upang bumunot at magpabagsak, upang pumuksa at magwasak, upang magtayo at magtanim." Dumating sa akin ang salita ng PANGINOON, na nagsasabi, "Jeremias, anong nakikita mo?" At aking sinabi, "Ako'y nakakakita ng isang tungkod na almendro." At sinabi ng PANGINOON sa akin, "Nakita mong mabuti, sapagkat pinagmamasdan ko ang aking salita upang isagawa ito." Ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin sa ikalawang pagkakataon, na nagsasabi, "Ano ang iyong nakikita?" At aking sinabi, "Ako'y nakakakita ng isang palayok na pinagpapakuluan, at nakaharap palayo sa hilaga." At sinabi ng PANGINOON sa akin, "Mula sa hilaga ay lalabas ang kasamaan sa lahat ng naninirahan sa lupain. Sapagkat narito, tinatawag ko ang lahat ng mga angkan ng mga kaharian ng hilaga, sabi ng PANGINOON. Sila'y darating at bawat isa ay maglalagay ng kanya-kanyang trono sa pasukan ng mga pintuan ng Jerusalem, laban sa lahat ng pader nito sa palibot, at laban sa lahat ng mga lunsod ng Juda. At aking bibigkasin ang aking mga hatol laban sa kanila, dahil sa lahat nilang kasamaan sa pagtalikod sa akin. Sila'y nagsunog ng insenso sa ibang mga diyos, at nagsisamba sa mga gawa ng kanilang sariling mga kamay. Ngunit ikaw, magbigkis ka ng iyong mga balakang, tumindig ka at sabihin mo sa kanila ang lahat ng iniuutos ko sa iyo. Huwag kang manghina sa harapan nila, baka ikaw ay papanghinain ko sa harapan nila. Ngayon, tingnan mo, ginawa kita sa araw na ito na isang lunsod na may kuta at isang haliging bakal, at gaya ng pader na tanso laban sa buong lupain, laban sa mga hari ng Juda, sa mga prinsipe nito, sa mga pari nito, at laban sa mamamayan ng lupain. Lalaban sila sa iyo, ngunit hindi sila magtatagumpay laban sa iyo, sapagkat ako'y kasama mo upang iligtas ka, sabi ng PANGINOON." Ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na nagsasabi, "Humayo ka at ipahayag mo sa pandinig ng Jerusalem na sinasabi, Ganito ang sabi ng PANGINOON: Naaalala ko ang katapatan ng iyong kabataan, ang iyong pag-ibig bilang babaing ikakasal, kung paanong sumunod ka sa akin sa ilang, sa lupaing hindi hinasikan. Ang Israel ay banal sa PANGINOON, ang unang bunga ng kanyang ani. Lahat ng nagsikain nito ay nagkasala, ang kasamaan ay dumating sa kanila, sabi ng PANGINOON." Pakinggan mo ang salita ng PANGINOON, O sambahayan ni Jacob, at lahat ng mga angkan ng sambahayan ng Israel. Ganito ang sabi ng PANGINOON: "Anong kamalian ang natagpuan sa akin ng inyong mga magulang upang ako'y kanilang layuan, at sumunod sa kawalang kabuluhan, at naging walang kabuluhan? Hindi nila sinabi, 'Nasaan ang PANGINOON na nag-ahon sa atin mula sa lupain ng Ehipto, na pumatnubay sa atin sa ilang, sa lupain ng mga disyerto at mga hukay, sa lupain ng tagtuyot at malalim na kadiliman, sa lupaing hindi dinaanan ng sinuman at walang taong nanirahan?' At dinala ko kayo sa masaganang lupain, upang sa mga bunga ng mabubuting bagay nito kayo ay kumain. Ngunit nang kayo'y pumasok ang lupain ko'y inyong dinungisan, at ang aking pamana ay ginawa ninyong karumaldumal. Hindi sinabi ng mga pari, 'Nasaan ang PANGINOON?' Silang nagsisihawak ng kautusan ay hindi nakakilala sa akin; ang mga pinuno ay sumuway sa akin, at ang mga propeta ay nagsalita ng propesiya sa pamamagitan ni Baal, at nagsisunod sa mga bagay na walang pakinabang. "Kaya't makikipagtalo pa rin ako sa inyo, sabi ng PANGINOON, at sa mga anak ng inyong mga anak ay makikipagtalo ako. Sapagkat tumawid kayo sa mga baybayin ng Kittim, at inyong tingnan, at magsugo kayo sa Kedar, at magsuring mainam; at inyong tingnan kung may nangyari nang ganitong bagay. Nagpalit ba ang isang bansa ng mga diyos, bagaman sila'y hindi mga diyos? Ngunit ipinagpalit ng bayan ko ang kanilang kaluwalhatian sa hindi pinakikinabangan. Magtaka kayo, O mga langit, sa bagay na ito, at magulat kayo, mawasak kayong lubos, sabi ng PANGINOON. Sapagkat ang bayan ko ay gumawa ng dalawang kasamaan: tinalikuran nila ako, ang bukal ng mga tubig na buhay, at gumawa para sa kanila ng mga tipunan ng tubig na mga sirang tipunan na hindi malagyan ng tubig. "Ang Israel ba'y alipin? Siya ba'y aliping ipinanganak sa bahay? Bakit nga siya'y naging hayop na nasila? Ang mga batang leon ay nagsiungal laban sa kanya, at sila'y malakas na nagsiungal. Winasak nila ang kanyang lupain; ang kanyang mga lunsod ay guho, walang naninirahan. Bukod dito'y binasag ng mga anak ng Memfis at ng Tafnes ang bao ng iyong ulo. Hindi ba ikaw na rin ang nagdala nito sa iyong sarili, dahil sa iyong pagtalikod sa PANGINOON mong Diyos, nang kanyang patnubayan ka sa daan? At ano ngayon ang napala mo sa pagpunta sa Ehipto, upang uminom ng tubig ng Nilo? O anong napala mo sa pagpunta sa Asiria, upang uminom ng tubig ng Eufrates? Parurusahan ka ng iyong sariling kasamaan, at ang iyong pagtalikod ang sa iyo'y sasaway. Alamin mo at iyong tingnan na masama at mapait na iyong talikuran ang PANGINOON mong Diyos, at ang takot sa akin ay wala sa iyo, sabi ng Panginoong DIYOS ng mga hukbo. "Sapagkat matagal nang panahong binasag ko ang iyong pamatok at ang mga gapos mo'y nilagot; ngunit iyong sinabi, 'Hindi ako maglilingkod.' Sapagkat sa bawat mataas na burol at sa lilim ng bawat luntiang punungkahoy ay yumuko kang tulad sa mahalay na babae. Gayunma'y itinanim kita na isang piling puno ng ubas, na pawang dalisay na binhi. Bakit nga naging bansot ka at naging ligaw na ubas? Kahit maligo ka ng lihiya, at gumamit ng maraming sabon, ang mantsa ng iyong pagkakasala ay nasa harapan ko pa rin, sabi ng Panginoong DIYOS. Paano mo nasasabi, 'Hindi ako nadungisan, hindi ako sumunod sa mga Baal'? Tingnan mo ang iyong daan sa libis! Alamin mo kung ano ang iyong ginawa! Ikaw ay isang matuling batang kamelyo na pinagsala-salabat ang kanyang mga daan, isang mailap na asno na sanay sa ilang, na sa kanyang init ay sinisinghot ang hangin! Sinong makakapigil sa kanyang pagnanasa? Hindi na mapapagod pa ang mga nagsisihanap sa kanya; sa kanyang kabuwanan ay kanilang matatagpuan siya. Ingatan mo ang iyong paa sa paglakad na walang panyapak, at ang iyong lalamunan sa pagkauhaw. Ngunit iyong sinabi, 'Walang pag-asa, sapagkat ako'y umibig sa mga dayuhan, at ako'y susunod sa kanila!' "Kung paanong ang isang magnanakaw ay napapahiya kapag nahuhuli, gayon mapapahiya ang sambahayan ni Israel; sila, ang kanilang mga hari, ang kanilang mga pinuno, ang kanilang mga pari, at ang kanilang mga propeta, na nagsasabi sa punungkahoy, 'Ikaw ay aking ama;' at sa bato, 'Ipinanganak mo ako.' Sapagkat sila'y tumalikod sa akin, at hindi ang kanilang mukha. Ngunit sa panahon ng kanilang kaguluhan ay sinasabi nila, 'Bumangon ka at iligtas mo kami!' Ngunit nasaan ang iyong mga diyos na ginawa mo para sa iyo? Hayaan mo silang magsibangon, kung maililigtas nila kayo sa panahon ng iyong kaguluhan, sapagkat kung gaano karami ang iyong mga bayan ay gayon ang iyong mga diyos, O Juda. "Bakit kayo nagrereklamo laban sa akin? Kayong lahat ay naghimagsik laban sa akin, sabi ng PANGINOON. Sa walang kabuluhan ang mga anak ninyo'y aking sinaktan; sila'y hindi tumanggap ng saway. Nilamon ng inyong sariling tabak ang inyong mga propeta, na gaya ng leong mapamuksa. At ikaw, O salinlahi, dinggin ninyo ang salita ng PANGINOON. Ako ba'y naging lupang ilang sa Israel, o isang lupain ng makapal na kadiliman? Bakit sinasabi ng aking bayan, 'Kami ay malaya, hindi na kami lalapit pa sa iyo'? Malilimutan ba ng isang dalaga ang kanyang mga hiyas, o ng isang ikakasal na babae ang kanyang kasuotan? Gayunma'y kinalimutan ako ng aking bayan sa di mabilang na mga araw. "Kay galing mong pinamahalaan ang iyong lakad upang humanap ng mga mangingibig! Anupa't maging sa masasamang babae ay itinuro mo ang iyong mga lakad. Sa iyong mga palda ay natagpuan din ang dugong ikinabubuhay ng mga dukhang walang sala; hindi mo sila natagpuan na sapilitang pumapasok. Gayunman, sa kabila ng lahat ng mga ito ay sinasabi mo; 'Ako'y walang sala; tunay na ang kanyang galit sa akin ay lumayo na.' Narito, sa kahatulan ay dadalhin kita, sapagkat iyong sinabi, 'Hindi ako nagkasala.' Kay dali mong magpagala-gala na binabago mo ang iyong lakad! Ilalagay ka sa kahihiyan ng Ehipto na gaya ng panghihiya sa iyo ng Asiria. Mula doon ay lalabas ka rin na ang iyong mga kamay ay nakapatong sa iyong ulo, sapagkat itinakuwil ng PANGINOON ang iyong mga pinagkakatiwalaan, at sa pamamagitan nila'y hindi ka magtatagumpay. Sinasabi nila, "Kung hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa, at siya'y humiwalay sa kanya, at maging asawa ng ibang lalaki, babalik pa ba uli ang lalaki sa kanya? Hindi ba lubos na madudumihan ang lupaing iyon? Ikaw ay naging upahang babae sa maraming mangingibig; at babalik ka sa akin? sabi ng PANGINOON. Itanaw mo ang iyong mga mata sa lantad na kaitaasan, at iyong tingnan! Saan ka hindi nasipingan? Sa tabi ng mga lansangan ay umupo kang naghihintay na gaya ng taga-Arabia sa ilang. Dinumihan mo ang lupain ng iyong kahalayan at ng iyong kasamaan. Kaya't pinigil ang mga ambon, at hindi dumating ang ulan sa tagsibol; gayunma'y mayroon kang noo ng isang upahang babae, ikaw ay tumatangging mapahiya. Hindi ba sa akin ay katatawag mo lamang, 'Ama ko, ikaw ang kaibigan ng aking kabataan — siya ba ay magagalit magpakailanman, siya ba ay magngingitngit hanggang sa katapusan?' Narito, ikaw ay nagsalita, at gumawa ng masasamang bagay, at nasunod mo ang iyong naibigan." Sinabi sa akin ng PANGINOON sa mga araw ng haring si Josias, "Nakita mo ba ang ginawa ng taksil na Israel, kung paanong siya'y umahon sa bawat mataas na burol at sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy, at doon siya'y naging paupahang babae? At aking sinabi, 'Pagkatapos na magawa niya ang lahat ng bagay na ito, siya'y babalik sa akin;' ngunit hindi siya bumalik, at ito'y nakita ng taksil niyang kapatid na Juda. Nakita niya na dahil sa lahat ng pangangalunya ng taksil na Israel, pinalayas ko siya na may kasulatan ng paghihiwalay. Gayunma'y hindi natakot ang taksil niyang kapatid na Juda; sa halip siya man ay humayo at naging paupahang babae. Sapagkat ang pagiging paupahang babae ay napakagaan para sa kanya, dinumihan niya ang lupain, at siya'y nangalunya sa mga bato at punungkahoy. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito ay hindi bumalik sa akin ng buong puso ang taksil niyang kapatid na Juda, kundi paimbabaw, sabi ng PANGINOON." At sinabi ng PANGINOON sa akin, "Ipinakita ng taksil na Israel ang kanyang sarili na mas matuwid kaysa taksil na Juda. Humayo ka at ipahayag mo ang mga salitang ito paharap sa hilaga, at sabihin mo, 'Manumbalik ka, taksil na Israel, sabi ng PANGINOON. Hindi ako titingin na may galit sa inyo, sapagkat ako'y maawain, sabi ng PANGINOON; hindi ako magagalit magpakailanman. Kilalanin mo lamang ang iyong pagkakasala, na ikaw ay naghimagsik laban sa PANGINOON mong Diyos, at ikinalat mo ang iyong mga lingap sa mga dayuhan sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy, at kayo'y hindi nagsisunod sa aking tinig, sabi ng PANGINOON. Manumbalik kayo, O taksil na mga anak, sabi ng PANGINOON, sapagkat ako ay panginoon sa inyo, at kukuha ako sa inyo ng isa sa isang lunsod, at dalawa sa isang angkan, at dadalhin ko kayo sa Zion. " 'At bibigyan ko kayo ng mga pastol ayon sa aking napupusuan, na magpapakain sa inyo ng kaalaman at unawa. At mangyayari na kapag kayo'y dumami at lumago sa lupain sa mga araw na iyon, sabi ng PANGINOON, hindi na nila sasabihin, "Ang kaban ng tipan ng PANGINOON." Hindi na iyon maiisip ni maaalala, ni hahanap-hanapin; at ito ay hindi na muling gagawin. Sa panahong iyon ay tatawagin nila ang Jerusalem na trono ng PANGINOON, at lahat ng mga bansa ay magtitipon doon sa Jerusalem, sa pangalan ng PANGINOON, at hindi na sila lalakad ayon sa katigasan ng kanilang masasamang puso. Sa mga araw na iyon ang sambahayan ng Juda ay lalakad na kasama ng sambahayan ng Israel, at magkasama silang manggagaling sa lupain ng hilaga patungo sa lupain na ibinigay ko bilang pamana sa inyong mga magulang. " 'Aking inisip, nais kong ilagay ka na kasama ng aking mga anak, at bigyan ka ng magandang lupain, isang pinakamagandang pamana sa lahat ng mga bansa. At akala ko'y tatawagin mo ako, Ama ko; at hindi ka na hihiwalay pa sa pagsunod sa akin. Tunay na kung paanong iniiwan ng taksil na asawang babae ang kanyang asawa, gayon kayo nagtaksil sa akin, O sambahayan ng Israel, sabi ng PANGINOON.'" Isang tinig ay naririnig sa mga lantad na kaitaasan, ang iyak at pagsusumamo ng mga anak ni Israel; sapagkat kanilang binaluktot ang kanilang daan, kanilang nilimot ang PANGINOON nilang Diyos. "Manumbalik kayo, O taksil na mga anak, pagagalingin ko ang inyong kataksilan." "Narito, kami ay lumalapit sa iyo; sapagkat ikaw ang PANGINOON naming Diyos. Tunay na ang mga burol ay kahibangan, ang mga lasingan sa mga bundok. Tunay na nasa PANGINOON naming Diyos ang kaligtasan ng Israel. "Ngunit mula sa ating pagkabata ay nilamon ng kahiyahiyang bagay ang lahat ng pinagpagalan ng ating mga magulang, ang kanilang mga kawan at ang kanilang mga bakahan, ang kanilang mga anak na lalaki at babae. Tayo'y magsihiga sa ating kahihiyan, at takpan tayo ng ating kawalan ng dangal; sapagkat tayo'y nagkasala laban sa PANGINOON nating Diyos, tayo at ang ating mga magulang, mula sa ating kabataan hang-gang sa araw na ito; at hindi tayo nakinig sa tinig ng PANGINOON nating Diyos." "Kung ikaw ay manunumbalik, O Israel, sabi ng PANGINOON, sa akin ka dapat manumbalik. Kung iyong aalisin ang iyong mga karumaldumal sa aking harapan, at hindi ka mag-uurong-sulong, at kung ikaw ay susumpa, 'Habang buhay ang PANGINOON,' sa katotohanan, sa katarungan, at sa katuwiran; ang mga bansa ay pagpapalain sa pamamagitan niya, at sa kanya luluwalhati sila." Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON sa mga kalalakihan ng Juda at sa Jerusalem, "Bungkalin ninyo ang inyong lupang tiwangwang, at huwag kayong maghasik sa mga tinikan. Tuliin ninyo ang inyong mga sarili para sa PANGINOON, at inyong alisin ang maruming balat ng inyong puso, O mga taga-Juda at mga mamamayan ng Jerusalem; baka ang aking poot ay sumiklab na parang apoy, at magliyab na walang makakapatay nito, dahil sa kasamaan ng inyong mga gawa." Ipahayag ninyo sa Juda, at ibalita ninyo sa Jerusalem; at inyong sabihin, "Inyong hipan ang trumpeta sa buong lupain; sumigaw kayo nang malakas, at inyong sabihin, 'Magtipun-tipon kayo, at tayo'y magsipasok sa mga lunsod na may kuta!' Magtaas kayo ng watawat paharap sa Zion; kayo'y magsitakas upang maligtas, huwag kayong magsitigil; sapagkat ako'y nagdadala ng kasamaan mula sa hilaga, at ng malaking pagkawasak. Ang isang leon ay umahon mula sa sukal niya, at isang mangwawasak ng mga bansa ang naghanda; siya'y lumabas mula sa kanyang lugar, upang wasakin ang iyong lupain, ang iyong mga lunsod ay magiging guho na walang maninirahan. Dahil dito ay magbigkis kayo ng damit-sako, managhoy kayo at tumangis; sapagkat ang mabangis na galit ng PANGINOON ay hindi pa humihiwalay sa atin." "Mangyayari sa araw na iyon, sabi ng PANGINOON, ang puso ng hari at ang puso ng mga pinuno ay manlulumo. Ang mga pari ay matitigilan at ang mga propeta ay mamamangha." Nang magkagayo'y sinabi ko, "Ah Panginoong DIYOS, tunay na iyong lubos na dinaya ang sambayanang ito at ang Jerusalem, na iyong sinasabi, 'Kayo'y magiging payapa', samantalang ang tabak ay nasa kanilang lalamunan!" Sa panahong iyon ay sasabihin sa sambayanang ito at sa Jerusalem, "Isang mainit na hangin mula sa mga hubad na kaitaasan sa ilang ay patungo sa anak na babae ng aking bayan, hindi upang magtahip o maglinis man; isang hanging napakalakas para dito ang darating dahil sa utos ko. Ngayon ako ay magsasalita ng mga hatol laban sa kanila." Pagmasdan ninyo, siya'y tumataas na parang mga ulap, at ang kanyang mga karwahe ay tulad ng ipu-ipo; mas matulin kaysa mga agila ang kanyang mga kabayo — kahabag-habag tayo, sapagkat nawawasak tayo! O Jerusalem, puso mo'y hugasan mula sa kasamaan, upang ikaw ay maligtas naman. Hanggang kailan titigil sa iyong kalooban ang iyong pag-iisip na kasamaan? Sapagkat isang tinig ang nagpapahayag mula sa Dan, at mula sa Bundok ng Efraim ay nagbabalita ng kasamaan. Balaan ninyo ang mga bansa na siya ay darating; ibalita ninyo sa Jerusalem, "Dumating ang mga mananakop mula sa malayong lupain, sila ay sumisigaw laban sa mga lunsod ng Juda. Gaya ng mga bantay sa parang sila'y nakapalibot laban sa kanya sapagkat siya'y naghimagsik laban sa akin, sabi ng PANGINOON. Ang iyong mga lakad at ang iyong mga gawa ang nagdala ng mga bagay na ito sa iyo. Ito ang iyong pagkasalanta, anong pait! Ito'y tumatagos sa iyong puso." Ang paghihirap ko, ang paghihirap ko! Ako'y namimilipit sa sakit! O ang pagdaramdam ng aking puso! Ang aking puso ay kakaba-kaba, hindi ako matahimik; sapagkat narinig mo, o kaluluwa ko, ang tunog ng trumpeta, ang hudyat ng digmaan. Sunud-sunod ang mga pagkapinsala, ang buong lupain ay nasisira. Ang aking mga tolda ay biglang nawasak, at ang aking mga tabing sa isang iglap. Hanggang kailan ang watawat ay aking makikita at maririnig ang tunog ng trumpeta? "Sapagkat ang bayan ko ay hangal, hindi nila ako nakikilala: sila'y mga batang mangmang at sila'y walang pang-unawa sa paggawa ng masama sila ay marunong, ngunit sa paggawa ng mabuti ay wala silang alam." Ako'y tumingin sa lupa, at narito, ito'y wasak at walang laman; at sa mga langit, at sila'y walang liwanag. Ako'y tumingin sa mga bundok, at narito, sila ay nayayanig, at ang lahat ng burol ay nagpapabalik-balik. Ako'y tumingin, at narito, walang tao, at lahat ng mga ibon sa himpapawid ay nagsialisan. Ako'y tumingin, at narito, ang mabungang lupain ay naging disyerto, at lahat ng mga lunsod ay nakatiwangwang na guho sa harapan ng PANGINOON, sa harapan ng kanyang mabangis na galit. Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON, "Ang buong lupain ay mawawasak; gayunma'y hindi ko isasagawa ang lubos na pagwasak. Dahil dito ang lupa ay tatangis, at ang langit sa itaas ay magiging madilim; sapagkat ako'y nagsalita, ako'y nagpanukala, at hindi ako magbabago ng isip ni ako'y uurong." Ang bawat bayan ay tumakas dahil sa ingay ng mga mangangabayo at ng mga mamamana; sila'y pumapasok sa mga sukal, at umaakyat sa malalaking bato; lahat ng mga lunsod ay pinabayaan, at walang taong sa mga iyon ay naninirahan. At ikaw, ikaw na nawasak, anong gagawin mo? Magdamit ka man ng matingkad na pula, gayakan mo man ang iyong sarili ng mga palamuting ginto, palakihin mo man ang iyong mga mata sa pamamagitan ng pinta? Sa walang kabuluhan ay nagpapaganda ka. Hinahamak ka ng iyong mga mangingibig, pinagbabantaan nila ang iyong buhay. Sapagkat ako'y nakarinig ng isang sigaw na gaya ng sa babaing manganganak, ng daing na gaya ng isang magsisilang ng kanyang panganay, ang daing ng anak na babae ng Zion, na hinahabol ang paghinga, na nag-uunat ng kanyang mga kamay, "Kahabag-habag ako! Ako ay nanlulupaypay sa harap ng mga mamamatay-tao." Tumakbo kayong paroo't parito sa mga lansangan ng Jerusalem, tingnan ninyo, at pansinin! Halughugin ninyo ang kanyang mga liwasan kung kayo'y mayroong taong matatagpuan, na gumagawa ng katarungan at naghahanap ng katotohanan; upang patawarin ko siya. Bagaman kanilang sinasabi, "Habang ang PANGINOON ay buhay;" gayunma'y sumusumpa sila ng may kasinungalingan. O PANGINOON, hindi ba naghahanap ng katotohanan ang iyong mga mata? Hinampas mo sila, ngunit hindi sila nasaktan; nilipol mo sila, ngunit ayaw nilang tumanggap ng pagtutuwid. Kanilang pinatigas ang kanilang mukha ng higit kaysa batong malaki; ayaw nilang magsisi. Nang magkagayo'y sinabi ko, "Ang mga ito ay dukha lamang, sila'y mga hangal, sapagkat hindi nila alam ang daan ng PANGINOON, ang kautusan ng kanilang Diyos. Ako'y pupunta sa mga dakila, at magsasalita sa kanila; sapagkat alam nila ang daan ng PANGINOON, ang kautusan ng kanilang Diyos." Ngunit nagkakaisa nilang binali ang pamatok, nilagot nila ang mga gapos. Kaya't isang leon mula sa gubat ang sa kanila'y papaslang, pupuksain sila ng isang lobo mula sa ilang, isang leopardo ang nag-aabang sa kanilang mga lunsod. Bawat isa na lalabas doon ay pagluluray-lurayin; sapagkat ang kanilang mga pagsuway ay marami, at ang kanilang mga pagtalikod ay malalaki. "Paano kita mapapatawad? Tinalikuran ako ng iyong mga anak, at sila'y nanumpa sa pamamagitan ng mga hindi diyos. Nang busugin ko sila, sila'y nangalunya at nagpuntahan sa mga bahay ng mga babaing upahan. Sila'y mga kabayong malulusog at pinakaing mabuti, bawat isa'y humalinghing sa asawa ng kanyang kapwa. Hindi ko ba sila parurusahan dahil sa mga bagay na ito? sabi ng PANGINOON, sa isang bansang gaya nito hindi ko ba ipaghihiganti ang aking sarili? "Akyatin ninyo ang kanyang mga hanay ng ubasan at inyong sirain; ngunit huwag kayong magsagawa ng lubos na pagwasak. Tanggalin ninyo ang kanyang mga sanga; sapagkat sila'y hindi sa PANGINOON. Sapagkat ang sambahayan ng Israel at ang sambahayan ng Juda ay labis na nagtaksil sa akin, sabi ng PANGINOON. Sila'y nagsalita ng kasinungalingan tungkol sa PANGINOON, at kanilang sinabi, 'Wala siyang gagawin, walang kasamaang darating sa atin, ni makakakita tayo ng tabak o ng taggutom. Ang mga propeta ay magiging hangin, at ang salita ay wala sa kanila. Ganoon ang gagawin sa kanila!'" Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng mga hukbo: "Sapagkat sinabi ninyo ang salitang ito, narito, gagawin kong apoy ang aking mga salita sa inyong bibig, at ang sambayanang ito ay kahoy, at sila'y lalamunin ng apoy. Narito, ako'y nagdadala sa inyo ng isang bansang mula sa malayo, O sambahayan ng Israel, sabi ng PANGINOON. Ito'y isang tumatagal na bansa, ito'y isang matandang bansa, isang bansa na ang wika ay hindi mo nalalaman, at ang kanilang sinasabi ay di mo mauunawaan. Ang kanilang lalagyan ng pana ay gaya ng bukas na libingan, silang lahat ay mga lalaking makapangyarihan. Lalamunin nila ang iyong ani at ang iyong pagkain, lalamunin nila ang iyong mga anak na lalaki at babae; lalamunin nila ang iyong mga kawan at ang iyong mga bakahan; lalamunin nila ang iyong mga puno ng ubas at mga puno ng igos; ang iyong mga lunsod na may kuta na iyong pinagtitiwalaan, ay kanilang wawasakin sa pamamagitan ng tabak." "Ngunit maging sa mga araw na iyon, sabi ng PANGINOON, hindi ko gagawin ang inyong lubos na pagkawasak. Mangyayari na kanilang sasabihin, 'Bakit ginawa ng PANGINOON nating Diyos ang lahat ng mga bagay na ito sa atin?' At sasabihin mo sa kanila, 'Kung paanong inyong tinalikuran ako, at naglingkod kayo sa mga ibang diyos sa inyong lupain, gayon kayo maglilingkod sa mga banyaga sa isang lupain na hindi sa inyo.'" Ipahayag mo ito sa sambahayan ng Jacob, at ibalita mo ito sa Juda, na sinasabi, "Pakinggan ninyo ito ngayon, O hangal at bayang walang unawa; na may mga mata, ngunit hindi nakakakita; na may mga tainga, ngunit hindi nakakarinig. Hindi ba kayo natatakot sa akin? sabi ng PANGINOON, hindi ba kayo nanginginig sa aking harapan? Sapagkat inilagay ko ang buhangin bilang hangganan sa karagatan, isang palagiang hadlang na hindi nito malalampasan; bagaman tumaas ang mga alon, hindi sila magtatagumpay, bagaman ang mga ito'y magsihugong, hindi nila ito madadaanan. Ngunit ang bayang ito ay may suwail at mapaghimagsik na puso; sila'y tumalikod at lumayo. Hindi nila sinasabi sa kanilang mga puso, 'Sa PANGINOON nating Diyos ay matakot tayo, na nagbibigay ng ulan sa kapanahunan nito, ng ulan sa taglagas at ulan sa tagsibol, at nag-iingat para sa atin ng mga sanlinggong itinakda para sa pag-aani!' Ang inyong mga kasamaan ang nagpalayo ng mga ito, at ang inyong mga kasalanan ang nagsipigil ng kabutihan para sa inyo. Sapagkat ang masasamang tao ay natagpuang kasama ng aking bayan; sila'y nagbabantay na gaya ng pagbabantay ng mga mamimitag. Sila'y naglalagay ng silo, sila'y nanghuhuli ng mga tao. Gaya ng hawla na puno ng mga ibon, ang kanilang mga bahay ay puno ng pandaraya; kaya't sila'y naging dakila at mayaman. Sila'y nagsitaba, sila'y kumintab. Sila'y magagaling sa paggawa ng kasamaan. Hindi nila ipinaglalaban ang usapin, ang usapin ng mga ulila, upang sila'y magwagi, at hindi nila ipinagtatanggol ang mga karapatan ng mga dukha. Hindi ko ba sila parurusahan dahil sa mga bagay na ito? sabi ng PANGINOON; sa isang bansang gaya nito, hindi ko ba ipaghihiganti ang aking sarili? Isang kamanghamangha at kakilakilabot na bagay ang nangyayari sa lupain: ang mga propeta ay nagpapahayag ng kasinungalingan, at ang mga pari ay namumuno ayon sa kanilang kapangyarihan, at iniibig ng aking bayan ang gayon; ngunit ano ang inyong gagawin sa wakas nito? Tumakas kayo upang maligtas, O mga anak ni Benjamin, mula sa gitna ng Jerusalem! Hipan ninyo ang trumpeta sa Tekoa, at magtaas ng hudyat sa Bet-hacquerim; sapagkat may nagbabadyang kasamaan sa hilaga, at isang malaking pagkawasak. Ang maganda at maayos na anak na babae ng Zion ay pupuksain ko. Ang mga pastol at ang kanilang mga kawan ay darating laban sa kanya; magtatayo sila ng kanilang mga tolda sa palibot niya, sila'y magpapakain ng tupa, sa kanya-kanyang lugar ang bawat isa. "Maghanda kayo upang digmain siya, bangon, at tayo'y sumalakay sa katanghaliang-tapat!" "Kahabaghabag tayo! Sapagkat ang araw ay kumikiling, sapagkat ang mga dilim ng gabi ay humahaba!" "Bangon, at tayo'y sumalakay nang gabi, at gibain natin ang kanyang mga palasyo!" Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, "Putulin ninyo ang kanyang mga punungkahoy, at magtayo kayo ng bunton laban sa Jerusalem. Ito ang lunsod na dapat parusahan; walang anumang bagay sa loob niya kundi kalupitan. Kung paanong pinananatiling sariwa ng isang bukal ang kanyang tubig, gayon niya pinananatiling sariwa ang kanyang kasamaan; karahasan at pagwasak ang naririnig sa loob niya; pagkakasakit at mga sugat ang laging nasa harapan ko. Tumanggap ka ng babala, O Jerusalem, baka mapalayo ako sa iyo; at ikaw ay gawin kong wasak, isang lupaing hindi tinatahanan." Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: "Pupulutin nilang lubusan na gaya ng sa puno ng ubas ang nalabi sa Israel; gaya ng mamimitas ng ubas ay idaan mo uli ang iyong kamay sa mga sanga nito." Kanino ako magsasalita at magbibigay ng babala, upang sila'y makinig? Ang kanilang mga tainga ay nakapinid at hindi sila makarinig: Narito, ang salita ng PANGINOON sa kanila ay kadustaan; ito'y hindi nila kinaluluguran. Ngunit ako'y puno ng poot ng PANGINOON; ako'y pagod na sa pagpipigil nito. "Ibuhos mo ito sa mga bata sa lansangan, at gayundin sa pagtitipon ng kabinataan; sapagkat ang lalaki at ang kanyang asawa ay kapwa kukunin, maging ang may gulang at ang napakatanda na. At ang kanilang mga bahay ay ibibigay sa iba, ang kanilang mga bukid at ang kanilang mga asawa na magkakasama, sapagkat iuunat ko ang aking kamay laban sa mga naninirahan sa lupain," sabi ng PANGINOON. "Sapagkat mula sa pinakamaliit sa kanila hanggang sa pinakamalaki sa kanila, ang bawat isa ay sakim sa pinagkakakitaan; at mula sa propeta hanggang sa pari man, bawat isa'y gumagawang may panlilinlang. Kanilang pinagaling nang bahagya ang sugat ng aking bayan, na sinasabi, 'Kapayapaan, kapayapaan'; gayong wala namang kapayapaan. Sila ba'y nahiya dahil sa ginawa nilang karumaldumal? Hindi, kailanma'y hindi sila nahiya; kung paano mamula ang pisngi ay hindi nila alam. Kaya't sila'y mabubuwal na kasama ng mga nabubuwal; sa panahon na akin silang parurusahan, sila'y babagsak," sabi ng PANGINOON. Ganito ang sabi ng PANGINOON: "Tumayo kayo sa mga daan at tumingin, at ipagtanong ninyo ang mga sinaunang landas, kung saan naroon ang mabuting daan; at lumakad kayo roon, at kayo'y makakatagpo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa. Ngunit kanilang sinabi, 'Hindi kami lalakad doon.' Ako'y naglagay ng mga bantay sa inyo, na sinasabi, 'Inyong pakinggan ang tunog ng trumpeta!' Ngunit kanilang sinabi, 'Hindi kami makikinig.' Kaya't inyong pakinggan, mga bansa, at inyong alamin, O kapulungan, kung ano ang mangyayari sa kanila. Pakinggan mo, O lupa: ako'y nagdadala ng kasamaan sa bayang ito, na bunga ng kanilang mga pakana, sapagkat sila'y hindi nakinig sa aking mga salita; at tungkol sa aking kautusan, ito'y kanilang itinakuwil. Sa anong layunin nagdadala kayo sa akin ng kamanyang mula sa Sheba, o ng matamis na tubo mula sa malayong lupain? Ang inyong mga handog na sinusunog ay hindi maaaring tanggapin, ni ang inyo mang mga handog ay nakakalugod sa akin. Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON, 'Tingnan mo, ako'y maglalagay ng mga batong katitisuran sa harap ng bayang ito na kanilang katitisuran; ang mga magulang at kasama ang mga anak, ang kapitbahay at ang kanyang kaibigan ay mapapahamak.'" Ganito ang sabi ng PANGINOON: "Tingnan mo, isang bayan ay dumarating mula sa lupain sa hilaga, ang isang malaking bansa ay gigisingin mula sa mga kadulu-duluhang bahagi ng lupa. Sila'y nagsisihawak ng pana at ng sibat; sila'y malupit at walang habag; ang kanilang tunog ay gaya ng nagngangalit na dagat; sa mga kabayo sila'y nakasakay, nakahanay na gaya ng isang lalaki para sa digmaan, laban sa iyo, O anak na babae ng Zion!" Narinig namin ang balita tungkol doon, ang aming mga kamay ay walang magawa; napigilan kaming lahat ng kahapisan, ng sakit na gaya ng sa isang babae sa panganganak. Huwag kang lumabas sa parang, o lumakad man sa daan; sapagkat may tabak ang kaaway, ang kilabot ay nasa bawat dako. O anak na babae ng bayan ko, magbihis ka ng damit-sako, at gumulong ka sa abo, tumangis ka na gaya ng sa bugtong na anak, ng pinakamapait na pag-iyak; sapagkat biglang darating sa atin ang mangwawasak. "Ginawa kitang isang tagasubok at tagapag-dalisay sa gitna ng aking bayan: upang iyong malaman at masubok ang kanilang mga daan. Silang lahat ay lubhang mapanghimagsik, gumagala na may paninirang-puri; sila'y tanso at bakal, silang lahat ay kumikilos na may kabulukan. Ang panghihip ay humihihip nang malakas; ang tingga ay natutunaw sa apoy; sa walang kabuluhan na nagpapatuloy ang pagdalisay, sapagkat ang masasama ay hindi natatanggal. Tatawagin silang pilak na itinakuwil, sapagkat itinakuwil sila ng PANGINOON." Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa PANGINOON na sinasabi, "Tumayo ka sa pintuan ng bahay ng PANGINOON, at ipahayag mo roon ang salitang ito, at iyong sabihin, Pakinggan ninyo ang salita ng PANGINOON, kayong lahat na taga-Juda na nagsisipasok sa mga pintuang ito upang magsisamba sa PANGINOON. Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, Baguhin ninyo ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa, at hahayaan ko kayong manirahan sa dakong ito. Huwag kayong magtiwala sa mapandayang mga salita, na sinasabi, 'Ito ang templo ng PANGINOON, ang templo ng PANGINOON, ang templo ng PANGINOON.' "Sapagkat kung tunay na inyong babaguhin ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa; kung kayo'y tunay na magsisigawa ng katarungan saisa'tisa, kung hindi ninyo aapihin ang dayuhan, ang ulila at ang babaing balo, o hindi kayo magpapadanak ng walang salang dugo sa dakong ito, o susunod man sa ibang mga diyos sa ikapapahamak ng inyong sarili, kung gayo'y hahayaan ko kayong manirahan sa dakong ito, sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga magulang mula nang una hanggang magpakailanman. "Narito, kayo'y nagtitiwala sa mga mapandayang salita na hindi mapapakinabangan. Kayo ba'y magnanakaw, papatay, mangangalunya at susumpa ng kasinungalingan, at magsusunog ng insenso kay Baal, at magsisisunod sa ibang mga diyos na hindi ninyo nakikilala, at pagkatapos ay magsisiparito at magsisitayo sa harapan ko sa bahay na ito, na tinatawag sa aking pangalan, na magsasabi, 'Kami ay ligtas!' upang magpatuloy lamang sa paggawa ng lahat ng karumaldumal na ito? Ang bahay bang ito na tinawag sa aking pangalan, ay naging yungib ng mga tulisan sa inyong mga mata? Narito, ako mismo ang nakakita nito, sabi ng PANGINOON. Magsiparoon kayo ngayon sa aking lugar na dating nasa Shilo, na doon ko pinatira ang aking pangalan nang una, at inyong tingnan kung ano ang aking ginawa roon dahil sa kasamaan ng aking bayang Israel. At ngayon, sapagkat inyong ginawa ang lahat ng mga bagay na ito, sabi ng PANGINOON, at nang ako'y nagsalita sa inyo na bumabangong maaga at nagsasalita, ay hindi kayo nakinig. At nang tawagin ko kayo, hindi kayo sumagot, kaya't gagawin ko sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, na inyong pinagtitiwalaan at sa dakong ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga magulang, ang gaya ng aking ginawa sa Shilo. Palalayasin ko kayo sa aking paningin, gaya ng pagpapalayas ko sa lahat ninyong mga kapatid, ang lahat ng supling ni Efraim. "Tungkol sa iyo, huwag mong ipanalangin ang bayang ito, ni magtaas man ng daing o panalangin para sa kanila, o mamagitan ka man sa akin, sapagkat hindi kita diringgin. Hindi mo ba nakikita kung ano ang kanilang ginagawa sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem? Ang mga bata ay namumulot ng kahoy, at ang mga ama ay nagpapaningas ng apoy, at ang mga babae ay nagmamasa ng masa upang igawa ng mga tinapay ang reyna ng langit, at sila'y nagbubuhos ng mga handog na inumin sa ibang mga diyos, upang ako'y kanilang ibunsod sa galit. Ako ba ang kanilang ibinubunsod sa galit? sabi ng PANGINOON. Hindi ba ang kanilang sarili, sa kanilang sariling ikalilito? Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Narito, ang aking galit at poot ay ibubuhos sa dakong ito, sa tao, at hayop, sa mga punungkahoy sa parang at sa bunga ng lupa. Ito ay magliliyab at hindi mapapatay." Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, "Idagdag ninyo ang inyong mga handog na sinusunog sa inyong mga alay, at kainin ninyo ang laman. Sapagkat nang araw na ilabas ko sila sa lupain ng Ehipto, hindi ako nagsalita sa inyong mga magulang, o nag-utos man sa kanila, tungkol sa mga handog na sinusunog at mga alay. Kundi ito ang ipinag-utos ko sa kanila, 'Sundin ninyo ang aking tinig, at ako'y magiging inyong Diyos, at kayo'y magiging aking bayan; at magsilakad kayo sa lahat ng daan na iniuutos ko sa inyo, para sa ikabubuti ninyo.' Ngunit hindi sila nakinig o ikiniling man ang kanilang pandinig, kundi nagsilakad sa kanilang sariling mga payo at sa katigasan ng kanilang masasamang puso, at nagsilakad nang paurong at hindi pasulong. Mula nang araw na ang inyong mga magulang ay lumabas sa lupain ng Ehipto hanggang sa araw na ito, sinugo ko sa inyo ang lahat kong lingkod na mga propeta, na araw-araw akong bumabangong maaga at isinusugo sila. Gayunma'y hindi sila nakinig sa akin, o ikiniling man ang kanilang pandinig, kundi pinapagmatigas ang kanilang leeg. Sila'y higit na masama kaysa kanilang mga magulang. "Kaya't sasabihin mo ang lahat ng salitang ito sa kanila, ngunit hindi sila makikinig sa iyo. Tatawagin mo sila, ngunit hindi sila sasagot sa iyo. At sasabihin mo sa kanila, 'Ito ang bansang hindi sumunod sa tinig ng PANGINOON nilang Diyos, at hindi tumanggap ng pagtutuwid. Ang katotohanan ay naglaho na; ito ay nahiwalay sa kanilang bibig. Gupitin mo ang iyong buhok, at itapon mo, tumaghoy ka sa mga lantad na kaitaasan; sapagkat itinakuwil at pinabayaan ng PANGINOON ang salinlahi ng kanyang poot.' "Sapagkat ang mga anak ni Juda ay gumawa ng masama sa aking paningin, sabi ng PANGINOON; kanilang inilagay ang kanilang mga karumaldumal sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, upang dungisan ito. At sila'y nagtayo ng mga mataas na dako ng Tofet, na nasa libis ng anak ni Hinom, upang sunugin sa apoy ang kanilang mga anak na lalaki at babae, na hindi ko ipinag-utos, o dumating man sa aking pag-iisip. Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng PANGINOON, na hindi na siya tatawaging Tofet, o ang libis ng anak ni Hinom, kundi ang libis ng Katayan. Sapagkat sila'y maglilibing sa Tofet, hanggang sa mawalan ng lugar saanman. Ang mga bangkay ng mga taong ito ay magiging pagkain ng mga ibon sa himpapawid, at para sa mga hayop sa lupa; at walang bubugaw sa mga iyon. At aking patitigilin sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem ang tinig ng pagsasaya at ang tinig ng katuwaan, ang tinig ng lalaking ikakasal at ang tinig ng babaing ikakasal, sapagkat ang lupain ay mawawasak. "Sa panahong iyon, sabi ng PANGINOON, ang mga buto ng mga hari ng Juda, ang mga buto ng kanyang mga pinuno, ang mga buto ng mga pari, ang mga buto ng mga propeta, at ang mga buto ng mga naninirahan sa Jerusalem ay ilalabas sa kanilang mga libingan; at ang mga ito ay ikakalat sa harap ng araw, ng buwan, at ng lahat ng natatanaw sa langit, na kanilang inibig at pinaglingkuran, na sila nilang sinundan, hinanap, at sinamba. Sila'y hindi matitipon o malilibing; sila'y magiging gaya ng dumi sa ibabaw ng lupa. Ang kamatayan ay higit na pipiliin kaysa buhay ng lahat ng naiwang nalabi na nanatili sa masamang angkang ito sa lahat ng dako na aking pinagtabuyan sa kanila, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo. "Sasabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng PANGINOON! Kapag nabubuwal ang mga tao, di ba't muling bumabangon sila? Kapag ang isang tao'y tumalikod, hindi ba't bumabalik siya? Kung gayo'y bakit ang bayang ito ng Jerusalem ay tumalikod sa tuluy-tuloy na pagtalikod? Sila'y nananatili sa pandaraya, ayaw nilang bumalik. Aking pinakinggan at aking narinig, ngunit hindi sila nagsalita nang matuwid; walang nagsisisi sa kanyang kasamaan, na nagsasabi, 'Anong aking ginawa?' Bawat isa'y tumatahak sa kanyang sariling daanan, gaya ng kabayo na dumadaluhong sa labanan. Maging ang tagak sa himpapawid ay nakakaalam ng kanyang kapanahunan; at ang batu-bato, langay-langayan, at tagak ay tumutupad sa panahon ng kanilang pagdating, ngunit hindi nalalaman ng aking bayan ang alituntunin ng PANGINOON. "Paano ninyo nasasabi, 'Kami ay matalino, at ang kautusan ng PANGINOON ay nasa amin?' Ngunit sa katunayan, ito ay ginawang kasinungalingan ng huwad na panulat ng mga eskriba. Ang mga taong pantas ay mapapahiya, sila'y masisindak at kukunin; narito, kanilang itinakuwil ang salita ng PANGINOON, at anong karunungan ang nasa kanila? Kaya't ibibigay ko ang kanilang mga asawa sa iba, at ang kanilang mga parang sa mga bagong magmamay-ari, sapagkat mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki, ang bawat isa ay sakim sa pakinabang; mula sa propeta hanggang sa pari, bawat isa'y gumagawang may panlilinlang. Kanilang pinagaling nang bahagya ang sugat ng aking bayan, na sinasabi, 'Kapayapaan, kapayapaan,' gayong walang kapayapaan. Nahiya ba sila nang sila'y gumawa ng karumaldumal? Hindi, hindi man lamang sila nahiya, hindi sila marunong mamula sa hiya. Kaya't sila'y mabubuwal sa gitna ng mga nabuwal; sa panahon ng kanilang kaparusahan, sila'y ibabagsak, sabi ng PANGINOON. Lubos ko silang lilipulin, sabi ng PANGINOON, mawawalan ng ubas sa puno ng ubas, o ng mga igos sa mga puno ng igos, maging ang mga dahon ay nalalanta; at ang naibigay ko sa kanila ay lumipas na sa kanila." Bakit tayo'y nakaupo lamang? Kayo'y magtipun-tipon, at magsipasok tayo sa mga lunsod na may kuta, at mamatay doon; sapagkat tayo'y itinakda nang mamatay ng PANGINOON nating Diyos, at binigyan tayo ng tubig na may lason upang inumin, sapagkat tayo'y nagkasala laban sa PANGINOON. Tayo'y naghanap ng kapayapaan, ngunit walang mabuting dumating; ng panahon ng paggaling, ngunit narito, ang panghihilakbot. "Ang singasing ng kanilang mga kabayo ay naririnig mula sa Dan, sa tunog ng halinghing ng kanilang malalaking kabayo ay nayayanig ang buong lupain. Sila'y dumarating at nilalamon ang lupain at ang lahat ng naroon; ang lunsod at ang mga naninirahan doon. Sapagkat narito, ako'y nagsusugo ng mga ahas sa gitna ninyo, mga ulupong na hindi mapapaamo, at kakagatin nila kayo," sabi ng PANGINOON. Ang aking kapighatian ay wala nang lunas! ang puso ko ay nanlulupaypay. Narito, dinggin ninyo ang daing ng anak na babae ng aking bayan mula sa malayong lupain: "Hindi ba nasa Zion ang PANGINOON? Wala ba sa loob niya ang kanyang Hari?" "Bakit nila ako ginalit sa pamamagitan ng kanilang mga larawang inanyuan, at ng kanilang ibang mga diyos?" "Ang pag-aani ay nakaraan, ang tag-init ay tapos na, at tayo'y hindi ligtas." Dahil sa sugat ng anak na babae ng aking bayan ay nasaktan ako, ako'y nagluluksa, at ako'y sakmal ng pagkabalisa. Wala bang pamahid na gamot sa Gilead? Wala bang manggagamot doon? Bakit nga hindi pa naibabalik ang kalusugan ng anak na babae ng aking bayan? O, ang ulo ko sana ay mga tubig, at ang aking mga mata ay bukal ng mga luha, upang ako'y makaiyak araw at gabi dahil sa mga pinaslang sa anak na babae ng aking bayan! O, mayroon sana akong patuluyan sa ilang para sa mga manlalakbay, upang aking maiwan ang aking bayan at sila'y aking layuan! Sapagkat silang lahat ay mapakiapid, isang pangkat ng mga taksil! Binabaluktot nila ang kanilang dila gaya ng pana; ang kasinungalingan at hindi katotohanan ang nananaig sa lupain; sapagkat sila'y nagpapatuloy mula sa kasamaan tungo sa kasamaan, at hindi nila ako nakikilala, sabi ng PANGINOON. Mag-ingat ang bawat isa sa kanyang kapwa, at huwag kayong magtiwala sa sinumang kapatid; sapagkat bawat kapatid ay mang-aagaw, at bawat kapwa ay gumagala bilang isang maninirang-puri. Dinadaya ng bawat isa ang kanyang kapwa, at hindi nagsasalita ng katotohanan; kanilang tinuruan ang kanilang dila na magsalita ng kabulaanan; sila'y gumagawa ng kasamaan at pinapagod ang sarili sa paggawa ng kasamaan. Ang iyong tahanan ay nasa gitna ng pandaraya; at sa pamamagitan ng pandaraya ay ayaw nila akong kilalanin, sabi ng PANGINOON. Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: "Tingnan mo, akin silang dadalisayin at susubukin, sapagkat ano pa ang aking magagawa, dahil sa mga kasalanan ng aking bayan? Ang kanilang dila ay palasong nakakamatay; ito ay nagsasalita nang may kadayaan; sa kanyang bibig ay nagsasalita ng kapayapaan ang bawat isa sa kanyang kapwa, ngunit sa kanyang puso ay nagbabalak siya na tambangan ito. Hindi ko ba sila parurusahan dahil sa mga bagay na ito? sabi ng PANGINOON; sa isang bansa na gaya nito, hindi ko ba ipaghihiganti ang aking sarili? "Itataas ko para sa mga bundok ang pag-iyak at paghagulhol, at ang panaghoy sa mga pastulan sa ilang, sapagkat ang mga iyon ay giba na, anupa't walang dumaraan; at hindi naririnig ang ungal ng kawan; ang mga ibon sa himpapawid at gayundin ang mga hayop sa parang ay nagsitakas at ang mga ito'y wala na. Gagawin kong bunton ng mga guho ang Jerusalem, isang pugad ng mga asong-gubat; at aking sisirain ang mga lunsod ng Juda, na walang maninirahan." Sino ang matalino na makakaunawa nito? At kanino nagsalita ang bibig ng PANGINOON, upang ito'y kanyang maipahayag? Bakit ang lupain ay giba at wasak na parang ilang, na anupa't walang dumaraan? At sinabi ng PANGINOON: "Sapagkat kanilang tinalikuran ang aking kautusan na aking inilagay sa harapan nila, at hindi sila sumunod sa aking tinig, o lumakad ayon dito, kundi matigas na nagsisunod sa kanilang sariling puso, at nagsisunod sa mga Baal, gaya ng itinuro sa kanila ng kanilang mga magulang. Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Aking pakakainin ang bayang ito ng mapait na halaman, at bibigyan ko sila ng nakalalasong tubig upang inumin. Ikakalat ko sila sa mga bansa na hindi nila nakilala, maging ng kanilang mga magulang man; at ipahahabol ko sila sa tabak, hanggang sa malipol ko sila." Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: "Isaalang-alang ninyo, at tawagin ninyo upang pumarito ang mga babaing tagatangis, at inyong ipasundo ang mga babaing tagaiyak, upang sila'y pumarito! Magmadali sila, at magsihagulhol para sa atin, upang ang ating mga mata ay daluyan ng mga luha, at ang ating mga talukap-mata ay labasan ng tubig. Sapagkat ang tinig ng pagtangis ay naririnig mula sa Zion, 'Tayo'y wasak na wasak! Tayo'y nalagay sa malaking kahihiyan, sapagkat iniwan natin ang lupain, sapagkat kanilang ibinagsak ang ating mga tirahan.'" Ngayo'y pakinggan ninyo, O mga kababaihan, ang salita ng PANGINOON, at tanggapin ng inyong pandinig ang salita ng kanyang bibig; at turuan ninyo ng pagtangis ang inyong mga anak na babae at ng panaghoy ang bawat isa sa kanyang kapwa. Sapagkat ang kamatayan ay umakyat sa ating mga bintana, ito'y nakapasok sa ating mga palasyo, upang lipulin ang mga bata sa mga lansangan at ang mga binata sa mga liwasang-bayan. Magsalita ka: "Ganito ang sabi ng PANGINOON, 'Ang mga bangkay ng mga tao ay mabubuwal na parang dumi sa kaparangan, gaya ng bigkis sa likod ng manggagapas, at walang magtitipon sa mga iyon!'" Ganito ang sabi ng PANGINOON: "Huwag magmapuri ang marunong sa kanyang karunungan, at huwag magmapuri ang makapangyarihan sa kanyang kapangyarihan, huwag magmapuri ang mayaman sa kanyang kayamanan; kundi ang nagmamapuri ay dito magmapuri, na kanyang nauunawaan at nakikilala ako, na ako ang PANGINOON na nagsasagawa ng kagandahang-loob, ng katarungan, at ng katuwiran sa daigdig; sapagkat sa mga bagay na ito ay nalulugod ako, sabi ng PANGINOON." "Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng PANGINOON, na parurusahan ko ang lahat ng mga tuli gayunma'y hindi tuli — ang Ehipto, Juda, Edom, at ang mga anak ni Ammon, at ni Moab, at ang lahat ng naninirahan sa ilang na inaahit ang buhok sa kanilang noo, sapagkat ang lahat ng mga bansang ito ay hindi tuli, at ang buong sambahayan ng Israel ay hindi tuli sa puso." Pakinggan ninyo ang salita na sinasabi ng PANGINOON sa inyo, O sambahayan ng Israel. Ganito ang sabing PANGINOON: "Huwag ninyong pag-aralan ang lakad ng mga bansa, ni mabagabag sa mga tanda ng mga langit, sapagkat ang mga bansa ay nababagabag sa mga iyon, sapagkat ang mga kaugalian ng mga sambayanan ay walang kabuluhan. Isang punungkahoy mula sa gubat ang pinuputol, at nilililok sa pamamagitan ng palakol ng mga kamay ng manlililok. Ginagayakan ito ng mga tao ng pilak at ginto; pinatatatag nila ito ng martilyo at mga pako, upang huwag itong makilos. Sila ay gaya ng mga panakot-uwak sa gitna ng taniman ng pipino, at hindi sila makapagsalita. Kailangan silang pasanin, sapagkat hindi sila makalakad. Huwag ninyong katakutan ang mga iyon, sapagkat sila'y hindi makakagawa ng masama, ni wala ring magagawang mabuti." Walang gaya mo, O PANGINOON; ikaw ay dakila, at ang iyong pangalan ay dakila sa kapangyarihan. Sinong hindi matatakot sa iyo, O Hari ng mga bansa? Sapagkat ito'y nararapat sa iyo; sapagkat sa lahat ng mga pantas ng mga bansa at sa lahat nilang mga kaharian ay walang gaya mo. Sila'y pawang mga mangmang at hangal, ang turo ng mga diyus-diyosan ay kahoy lamang! Pinitpit na pilak ang dinadala mula sa Tarsis, at ginto mula sa Uphaz. Ang mga ito'y gawa ng manlililok at ng mga kamay ng platero; ang kanilang damit ay bughaw at kulay ube; ang mga ito'y gawang lahat ng mga bihasang manggagawa. Ngunit ang PANGINOON ang tunay na Diyos; siya ang buhay na Diyos at walang hanggang Hari. Sa kanyang poot ang lupa'y nayayanig, at hindi matatagalan ng mga bansa ang kanyang galit. Kaya't ganito ang inyong sasabihin sa kanila: "Ang mga diyos na hindi gumawa ng langit at ng lupa ay malilipol sa lupa, at sa silong ng mga langit." Siya ang gumawa ng lupa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, na nagtatag ng sanlibutan sa pamamagitan ng kanyang karunungan, at sa pamamagitan ng kanyang kaunawaan ay iniladlad niya ang kalangitan. Kapag siya'y nagsasalita ay may hugong ng tubig sa mga langit, at kanyang pinaiilanglang ang mga singaw mula sa mga dulo ng lupa. Gumagawa siya ng mga kidlat para sa ulan, at naglalabas siya ng hangin mula sa kanyang mga kamalig. Bawat tao ay hangal at walang kaalaman; bawat platero ay inilalagay sa kahihiyan ng kanyang mga diyus-diyosan; sapagkat ang kanyang mga larawan ay kabulaanan, at walang hininga sa mga iyon. Sila'y walang kabuluhan, isang gawa ng panlilinlang; sa panahon ng pagpaparusa sa kanila ay malilipol sila. Hindi gaya ng mga ito ang bahagi ng Jacob, sapagkat siya ang nag-anyo sa lahat ng mga bagay; at ang Israel ay siyang lipi ng kanyang mana; ang PANGINOON ng mga hukbo ang kanyang pangalan. Pulutin mo ang iyong balutan mula sa lupa, O ikaw na nakukubkob! Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON: "Narito, aking ihahagis palabas ang mga naninirahan sa lupain sa panahong ito, at ako'y magdadala ng kahirapan sa kanila upang ito'y maramdaman nila." Kahabag-habag ako dahil sa aking sugat! Malubha ang aking sugat. Ngunit aking sinabi, "Tunay na ito ay isang paghihirap, at dapat kong tiisin." Ang aking tolda ay nagiba, at lahat ng panali ko ay napatid; iniwan ako ng aking mga anak, at sila'y wala na; wala nang magtatayo pa ng aking tolda, at magtataas ng aking mga tabing. Sapagkat ang mga pastol ay naging hangal, at hindi sumasangguni sa PANGINOON; kaya't hindi sila umuunlad, at lahat nilang kawan ay nakakalat. Pakinggan ninyo, isang ingay! Tingnan ninyo, ito'y dumarating — isang malaking kaguluhan mula sa hilagang lupain, upang wasakin ang mga lunsod ng Juda, at gawing tahanan ng mga asong-gubat. Alam ko, O PANGINOON, na ang lakad ng tao ay wala sa kanyang sarili; wala sa taong lumalakad ang magtuwid ng kanyang mga hakbang. Ituwid mo ako, O PANGINOON, ngunit sa katarungan, huwag sa iyong galit, baka ako'y iuwi mo sa wala. Ibuhos mo ang iyong poot sa mga bansang hindi nakakakilala sa iyo, at sa mga bayan na hindi tumatawag sa iyong pangalan; sapagkat kanilang nilamon ang Jacob, kanilang nilamon siya, at nilipol siya, at winasak ang kanyang tahanan. Ang salitang dumating kay Jeremias mula sa PANGINOON na nagsasabi, "Pakinggan ninyo ang mga salita ng tipang ito, at sabihin ninyo sa mga mamamayan ng Juda at mamamayan ng Jerusalem, Sasabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng Israel: Sumpain ang taong hindi nakikinig sa mga salita ng tipang ito, na aking iniutos sa inyong mga ninuno, nang araw na aking inilabas sila mula sa lupain ng Ehipto, mula sa hurnong bakal, na sinasabi, Makinig kayo sa aking tinig, at gawin ninyo ang lahat ng iniuutos ko sa inyo. Sa gayo'y magiging bayan ko kayo, at ako'y magiging inyong Diyos, upang aking maisagawa ang aking ipinangako sa inyong mga ninuno, na bibigyan ko sila ng isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, gaya sa araw na ito." Nang magkagayo'y sumagot ako, "Amen, O PANGINOON." At sinabi ng PANGINOON sa akin, "Ipahayag mo ang lahat ng mga salitang ito sa mga lunsod ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem: Pakinggan ninyo ang mga salita ng tipang ito at inyong isagawa. Sapagkat taimtim kong binalaan ang inyong mga ninuno nang araw na aking iahon sila sa lupain ng Ehipto at patuloy ko silang binabalaan hanggang sa araw na ito, na aking sinasabi, Sundin ninyo ang aking tinig. Gayunma'y hindi sila sumunod o ikiniling man ang kanilang pandinig, kundi lumakad ang bawat isa sa katigasan ng kanyang masamang puso. Kaya't dinala ko sa kanila ang lahat ng salita ng tipang ito, na iniutos kong gawin nila, ngunit hindi nila ginawa." At sinabi sa akin ng PANGINOON, "May sabwatang natagpuan sa mga kalalakihan ng Juda at sa mga mamamayan ng Jerusalem. Sila'y bumalik sa mga kasamaan ng kanilang mga ninuno na tumangging makinig sa aking mga salita. Sila'y nagsisunod sa ibang mga diyos upang paglingkuran ang mga iyon. Sinira ng sambahayan ng Israel at ng Juda ang tipan na aking ginawa sa kanilang mga ninuno. Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON, Narito, ako'y magdadala sa kanila ng kasamaan na hindi nila matatakasan. Bagaman sila'y dumaing sa akin, hindi ko sila papakinggan. Kung magkagayo'y hahayo at dadaing ang mga lunsod ng Juda at ang mga naninirahan sa Jerusalem sa mga diyos na kanilang pinaghandugan ng insenso, ngunit hindi sila maililigtas sa panahon ng kanilang kagipitan. Sapagkat ang iyong mga diyos ay naging kasindami ng iyong mga bayan, O Juda; at kasindami ng mga lansangan ng Jerusalem ang mga dambana na inyong itinayo sa kahihiyan, mga dambana upang pagsunugan ng insenso kay Baal. "Kaya't huwag kang manalangin para sa bayang ito, o dumaing alang-alang sa kanila, sapagkat hindi ako makikinig kapag sila'y tumawag sa akin sa panahon ng kanilang kagipitan. Anong karapatan mayroon ang aking minamahal sa aking bahay, gayong siya'y gumawa ng napakasamang mga gawa? Mailalayo ba ng mga panata at handog na laman ang iyong kapahamakan? Makapagsasaya ka pa ba? Tinawag ka ng PANGINOON na, 'Luntiang puno ng olibo, maganda at may mabuting bunga;' ngunit sa pamamagitan ng ingay ng malakas na bagyo ay susunugin niya ito, at ang mga sanga nito ay matutupok. Ang PANGINOON ng mga hukbo na nagtanim sa iyo ay nagpahayag ng kasamaan laban sa iyo, dahil sa kasamaang ginawa ng sambahayan ng Israel at ng sambahayan ng Juda. Ginalit nila ako sa pamamagitan ng pag-aalay ng handog kay Baal." Ipinaalam iyon sa akin ng PANGINOON at nalaman ko; pagkatapos ay ipinakita mo sa akin ang kanilang masasamang gawa. Ngunit ako'y naging gaya ng maamong kordero na inaakay patungo sa katayan. Hindi ko alam na laban sa akin ay gumawa sila ng mga pakana, na sinasabi, "Sirain natin ang punungkahoy at ang bunga nito, at ihiwalay natin siya sa lupain ng mga nabubuhay, upang ang kanyang pangalan ay hindi na maalala." Ngunit, O PANGINOON ng mga hukbo, na humahatol ng matuwid, na sumusubok sa puso' at sa pag-iisip, ipakita mo sa akin ang iyong paghihiganti sa kanila, sapagkat sa iyo'y inihayag ko ang aking ipinaglalaban. Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON tungkol sa mga lalaki ng Anatot na nagbabanta sa iyong buhay, at nagsasabi, "Huwag kang magsalita ng propesiya sa pangalan ng PANGINOON, kung hindi ay mamamatay ka sa aming kamay" — kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: "Parurusahan ko sila. Ang mga kabataang lalaki ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, ang kanilang mga anak na lalaki at babae ay mamamatay sa gutom. Walang matitira sa kanila sapagkat ako'y magdadala ng kasamaan sa mga mamamayan ng Anatot, sa taon ng pagdalaw sa kanila." Ikaw ay matuwid, O PANGINOON, kapag ako'y maghaharap ng paratang sa iyo; gayunma'y hayaan mong ilahad ko ang aking panig sa harapan mo. Bakit nagtatagumpay ang lakad ng masama? Bakit lumalago ang lahat ng mga taksil? Itinatanim mo sila, Oo, at sila'y nagkakaugat; sila'y lumalaki, Oo, at sila'y nagbubunga; ikaw ay malapit sa kanilang bibig, at malayo sa kanilang mga puso. Ngunit ikaw, O PANGINOON, kilala mo ako; nakikita mo ako, at sinusubok mo ang aking isipan tungkol sa iyo. Hilahin mo silang gaya ng mga tupa para sa katayan, at ihanda mo sila para sa araw ng pagkatay. Hanggang kailan tatangis ang lupain, at matutuyo ang mga damo sa buong lupain? Dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon, ang mga hayop at ang mga ibon ay nawala, sapagkat sinasabi ng mga tao, "Hindi niya makikita ang ating huling wakas." Kung ikaw ay nakitakbo sa mga mananakbo, at kanilang pinagod ka, paano ka makikipag-unahan sa mga kabayo? At kung sa isang tiwasay na lupain ay nabubuwal ka, paano ka na sa kagubatan ng Jordan? Sapagkat maging ang iyong mga kapatid at ang sambahayan ng iyong ama ay nagtaksil sa iyo; sila'y sumisigaw ng malakas sa hulihan mo; huwag mo silang paniwalaan, bagaman sila'y nagsasalita ng kaaya-ayang salita sa iyo." "Pinabayaan ko ang aking bahay, tinalikuran ko ang aking mana; ibinigay ko ang pinakamamahal ng aking kaluluwa sa kamay ng kanyang mga kaaway. Ang aking mana para sa akin ay naging parang leon sa gubat; inilakas niya ang kanyang tinig laban sa akin, kaya't kinamumuhian ko siya. Ang akin bang mana ay naging parang batik-batik na ibong mandaragit? Laban ba sa kanya ang mga ibong mandaragit na nakapaligid sa kanya? Humayo kayo, tipunin ninyo ang lahat ng mababangis na hayop, dalhin ninyo sila upang sakmalin siya. Sinira ng maraming pastol ang aking ubasan, kanilang niyurakan ang aking bahagi, ginawa nilang ilang na wasak ang aking kalugud-lugod na bahagi. Winasak nila ito, ito'y wasak, ito'y tumatangis sa akin. Ang buong lupain ay nawawasak, gayunma'y walang taong nakakapansin nito. Ang mga manglilipol ay dumating sa lahat ng lantad na kaitaasan sa ilang; sapagkat ang tabak ng PANGINOON ay nananakmal mula sa isang dulo ng lupain hanggang sa kabilang dulo ng lupain; walang taong may kapayapaan. Sila'y naghasik ng trigo at nagsiani ng mga tinik; pinagod nila ang kanilang mga sarili ngunit walang napala. Ikahihiya nila ang inyong mga ani, dahil sa mabangis na galit ng PANGINOON." Ganito ang sabi ng PANGINOON tungkol sa lahat ng aking masasamang kapwa na gumalaw sa mana na aking ipinamana sa aking bayang Israel: "Narito, bubunutin ko sila sa kanilang lupain, at aking bubunutin ang sambahayan ng Juda mula sa kanila. At mangyayari, pagkatapos na aking mabunot sila, ako'y babalik at maaawa sa kanila; at muli ko silang ibabalik sa kani-kanilang mana at sa kani-kanilang lupain. At mangyayari, kung kanilang masikap na pag-aaralan ang mga lakad ng aking bayan, na sumumpa sa pamamagitan ng pangalan ko, 'Habang buhay ang PANGINOON;' gaya ng kanilang itinuro sa bayan ko na pagsumpa sa pamamagitan ng pangalan ni Baal, ay maitatayo nga sila sa gitna ng aking bayan. Ngunit kung ang alinmang bansa ay hindi makikinig, kung gayo'y lubos ko itong bubunutin at lilipulin, sabi ng PANGINOON." Ganito ang sabi ng PANGINOON sa akin, "Humayo ka at bumili ka ng isang pamigkis na lino, at ibigkis mo sa iyong baywang at huwag mong ilubog sa tubig." Kaya't bumili ako ng pamigkis ayon sa salita ng PANGINOON, at inilagay ko sa aking baywang. At ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin sa ikalawang pagkakataon, na sinasabi, "Kunin mo ang pamigkis na iyong binili, na nasa iyong baywang, at bumangon ka at pumunta sa Eufrates, at ikubli mo ito sa isang bitak ng malaking bato." Kaya't pumunta ako, at ikinubli ko iyon sa tabi ng Eufrates gaya ng iniutos sa akin ng PANGINOON. At nangyari, pagkaraan ng maraming araw sinabi ng PANGINOON sa akin, "Bumangon ka, pumunta ka sa Eufrates at kunin mo roon ang pamigkis na iniutos kong itago mo roon." Pumunta nga ako sa Eufrates, at hinukay ko at kinuha ang pamigkis mula sa dakong pinagtaguan ko nito. At narito, bulok na ang pamigkis at hindi na mapapakinabangan. Nang magkagayo'y dumating sa akin ang salita ng PANGINOON na sinasabi, "Ganito ang sabi ng PANGINOON: Sa gayon ko rin bubulukin ang kapalaluan ng Juda at ang malaking kapalaluan ng Jerusalem. Ang masamang bayang ito, na ayaw makinig sa mga salita ko, na may katigasang sumusunod sa kanilang puso, at sumunod sa ibang mga diyos upang paglingkuran at sambahin sila, ay magiging gaya ng pamigkis na ito, na hindi na mapapakinabangan. Sapagkat kung paanong ang pamigkis ay kumakapit sa baywang ng isang lalaki, gayon ko pinakapit sa akin ang buong sambahayan ng Israel at ang buong sambahayan ng Juda, sabi ng PANGINOON; upang sila para sa akin ay maging isang bayan, isang pangalan, isang kapurihan at kaluwalhatian, ngunit ayaw nilang makinig. "Kaya't sasabihin mo sa kanila ang salitang ito. 'Ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng Israel, "Bawat sisidlan ng alak ay mapupuno ng alak:"' At kanilang sasabihin sa iyo, 'Hindi ba namin nalalaman na ang bawat sisidlan ng alak ay mapupuno ng alak?' Kung magkagayo'y sasabihin mo sa kanila, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON: Aking pupunuin ng kalasingan ang lahat ng naninirahan sa lupaing ito: ang mga hari na nakaluklok sa trono ni David, ang mga pari, ang mga propeta, at ang lahat ng naninirahan sa Jerusalem. At pag-uumpugin ko sila, maging ang mga magulang at ang mga anak na magkakasama, sabi ng PANGINOON. Hindi ako magpapatawad, o maaawa man, o mahahabag, upang sila'y hindi ko lipulin.' " Dinggin ninyo at bigyang-pansin, huwag kayong maging palalo, sapagkat nagsalita ang PANGINOON. Luwalhatiin ninyo ang PANGINOON ninyong Diyos, bago siya magpadilim, bago matisod ang inyong mga paa sa mga madilim na bundok, at habang kayo'y naghahanap ng liwanag, ay gagawin niya itong anino ng kamatayan at gagawin niya itong pusikit na kadiliman. Ngunit kung hindi kayo makikinig, ang aking kaluluwa ay lihim na iiyak dahil sa inyong kapalaluan; at ang mga mata ko ay iiyak nang mapait at dadaluyan ng mga luha, sapagkat ang kawan ng PANGINOON ay dinalang-bihag. Sabihin mo sa hari at sa inang reyna, "Kayo'y magpakumbaba, kayo'y umupo, sapagkat ang inyong magandang korona ay bumaba na mula sa inyong ulo." Ang mga bayan ng Negeb ay nasarhan, at walang magbukas sa mga iyon, ang buong Juda ay nadalang-bihag, buong nadalang-bihag. "Itanaw ninyo ang inyong mga mata, at masdan ninyo ang mga nanggagaling sa hilaga. Nasaan ang kawan na ibinigay sa iyo, ang iyong magandang kawan? Ano ang iyong sasabihin kapag kanilang inilagay bilang iyong puno yaong tinuruan mo upang makipagkaibigan sa iyo? Hindi ka ba masasaktan gaya ng isang babae na manganganak? At kung iyong sasabihin sa iyong puso, 'Bakit dumating sa akin ang mga bagay na ito?' Dahil sa laki ng iyong kasamaan ay itinaas ang iyong palda at nagdaranas ka ng karahasan. Mababago ba ng taga-Etiopia ang kanyang balat, o ng leopardo ang kanyang mga batik? Kung gayon ay makakagawa rin kayo ng mabuti, kayong mga sanay gumawa ng masama. Ikakalat ko kayo na gaya ng ipa na itinaboy ng hangin mula sa ilang. Ito ang iyong kapalaran, ang bahaging itinakda ko sa iyo, sabi ng PANGINOON; sapagkat kinalimutan mo ako, at nagtiwala ka sa kasinungalingan. Ako mismo ang magtataas ng iyong palda sa ibabaw ng iyong mukha, at ang iyong kahihiyan ay makikita. Nakita ko ang iyong mga kasuklamsuklam na gawa, ang iyong mga pangangalunya, at mga paghalinghing, ang kahalayan ng iyong pakikiapid, sa mga burol sa parang. Kahabag-habag ka, O Jerusalem! Gaano pa katagal bago ka maging malinis?" Ang salita ng PANGINOON na dumating kay Jeremias tungkol sa tagtuyot. "Ang Juda ay tumatangis, at ang mga pintuan niya ay nanghihina, sila'y nangingitim na bumagsak sa lupa; at ang daing ng Jerusalem ay pumapailanglang. Sinugo ng kanyang mga maharlika ang kanilang mga lingkod na pumunta sa tubig; sila'y dumating sa mga balon, at walang natagpuang tubig; sila'y nagsisibalik na dala ang mga sisidlan na walang laman; sila'y nahihiya at nalilito, at tinatakpan ang kanilang mga ulo. Dahil sa lupa na bitak-bitak, palibhasa'y walang ulan sa lupain, ang mga magbubukid ay nahihiya, tinatakpan nila ang kanilang mga ulo. Maging ang usa sa parang ay pinababayaan ang kanyang bagong silang na usa, sapagkat walang damo. Ang maiilap na asno ay nakatayo sa mga lantad na kaitaasan, sila'y humihingal na parang mga asong-gubat; ang mata nila'y nanlalabo sapagkat walang halaman. "Bagaman ang aming mga kasamaan ay sumasaksi laban sa amin, kumilos ka, O PANGINOON, alang-alang sa iyong pangalan, sapagkat ang aming mga pagtalikod ay marami; kami ay nagkasala laban sa iyo. O ikaw na pag-asa ng Israel, ang Tagapagligtas nito sa panahon ng kagipitan, bakit kailangan kang maging parang isang dayuhan sa lupain, gaya ng manlalakbay na dumaraan upang magpalipas ng gabi? Bakit kailangan kang maging gaya ng taong nalilito, gaya ng taong makapangyarihan na hindi makapagligtas? Gayunma'y ikaw, O PANGINOON, ay nasa gitna namin, at kami ay tinatawag sa iyong pangalan; huwag mo kaming iwan." Ganito ang sabi ng PANGINOON tungkol sa bayang ito: "Yamang inibig nila ang magpalaboy-laboy, hindi nila pinigilan ang kanilang mga paa, kaya't hindi sila tinatanggap ng PANGINOON; ngayo'y aalalahanin niya ang kanilang kasamaan, at dadalawin sila dahil sa kanilang mga kasalanan." Sinabi ng PANGINOON sa akin, "Huwag mong idalangin ang kapakanan ng bayang ito. Kapag sila'y mag-aayuno, hindi ko papakinggan ang kanilang daing; at kapag sila'y maghahandog ng handog na sinusunog at ng alay na butil, hindi ko tatanggapin ang mga iyon; kundi aking uubusin sila sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot." Nang magkagayo'y sinabi ko: "Ah Panginoong DIYOS! Sinasabi ng mga propeta sa kanila, 'Hindi kayo makakakita ng tabak, o magkakaroon man kayo ng taggutom, kundi bibigyan ko kayo ng tunay na kapayapaan sa dakong ito.' " At sinabi sa akin ng PANGINOON, "Ang mga propeta ay nagsasalita ng kasinungalingan sa aking pangalan; hindi ko sila sinugo, o inutusan ko man sila, o nagsalita man ako sa kanila. Sila'y nagpapahayag sa inyo ng sinungaling na pangitain, ng walang kabuluhang panghuhula at ng daya ng kanilang sariling mga pag-iisip. Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON tungkol sa mga propeta na nagsasalita ng propesiya sa aking pangalan, bagaman hindi ko sila sinugo, na nagsasabi, 'Tabak at taggutom ay hindi darating sa lupaing ito:' Sa pamamagitan ng tabak at taggutom ay malilipol ang mga propetang iyon. At ang mga taong pinagsalitaan nila ng propesiya ay ihahagis sa mga lansangan ng Jerusalem, dahil sa taggutom at tabak; at walang maglilibing sa kanila — sila, ang kanilang mga asawa, mga anak na lalaki at babae. Sapagkat ibubuhos ko sa kanila ang kanilang kasamaan. "Sasabihin mo sa kanila ang salitang ito: 'Hayaang daluyan ang aking mga mata ng mga luha sa gabi at araw, at huwag huminto, sapagkat ang anak na dalaga ng aking bayan ay sinaktan ng malaking sugat, ng isang napakabigat na dagok. Kung ako'y lalabas sa parang, tingnan ninyo, ang mga pinatay ng tabak! At kung ako'y papasok sa lunsod, tingnan ninyo, ang mga sakit ng pagkagutom! Sapagkat ang propeta at ang pari ay kapwa lumilibot sa buong lupain at walang kaalaman.'" Lubos mo na bang itinakuwil ang Juda? Kinapopootan ba ng iyong kaluluwa ang Zion? Bakit mo kami sinaktan, anupa't hindi kami mapapagaling? Naghanap kami ng kapayapaan, ngunit walang kabutihang dumating; ng panahon ng paggaling, ngunit narito, ang pagkatakot! Aming kinikilala ang aming kasamaan, O PANGINOON ' at ang kasamaan ng aming mga magulang; sapagkat kami ay nagkasala laban sa iyo. Huwag mo kaming kamuhian, alang-alang sa iyong pangalan; huwag mong hamakin ang iyong trono ng kaluwalhatian alalahanin mo at huwag mong sirain ang iyong tipan sa amin. Mayroon ba sa mga huwad na diyos ng mga bansa na makapagbibigay ng ulan? O makapagpapaambon ba ang mga langit? Hindi ba ikaw iyon, O PANGINOON naming Diyos? Kaya't kami ay umaasa sa iyo; sapagkat ginagawa mo ang lahat ng mga bagay na ito. Pagkatapos ay sinabi ng PANGINOON sa akin, "Kahit pa tumayo sina Moises at Samuel sa harapan ko, hindi babaling ang aking puso sa bayang ito. Palayasin mo sila sa aking paningin, at paalisin mo sila! At kapag tinanong ka nila, 'Saan kami pupunta?' sasabihin mo nga sa kanila, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON: "Ang mga nakatakda sa kamatayan ay sa kamatayan, at ang sa tabak ay sa tabak; at ang sa taggutom, ay sa taggutom; at ang sa pagkabihag, ay sa pagkabihag."' "Ako'y magtatalaga sa kanila ng apat na bagay, sabi ng PANGINOON: ang tabak upang pumatay, mga aso upang lumapa, at ang mga ibon sa himpapawid at mga hayop sa lupa upang lumamon at lumipol. At gagawin ko silang katatakutan ng lahat ng mga kaharian sa lupa dahil sa ginawa sa Jerusalem ni Manases, na anak ni Hezekias, hari ng Juda. "Sinong mahahabag sa iyo, O Jerusalem, o sinong tataghoy sa iyo? Sinong hihinto upang itanong ang iyong kalagayan? Itinakuwil mo ako, sabi ng PANGINOON, patuloy kang umuurong; kaya't iniunat ko ang aking kamay laban sa iyo, at pinuksa kita; pagod na ako sa pagiging mahabagin. Tinahipan ko sila ng pantahip sa mga pintuang-bayan ng lupain; pinangulila ko sila, nilipol ko ang aking bayan; sila'y hindi humiwalay sa kanilang mga lakad. Pinarami ko ang kanilang mga babaing balo nang higit kaysa buhangin sa karagatan. Dinala ko laban sa mga ina ng mga binata ang manglilipol sa katanghaliang-tapat; bigla kong pinarating sa kanila ang dalamhati at sindak. Siyang nanganak ng pito ay nanghihina; siya'y nalagutan ng hininga; ang kanyang araw ay lumubog samantalang may araw pa; siya'y napahiya at napariwara. At ang nalabi sa kanila ay ibibigay ko sa tabak sa harapan ng kanilang mga kaaway, sabi ng PANGINOON." Kahabag-habag ako, ina ko, na ipinanganak mo ako, isang taong palaaway at taong palaban sa buong lupain! Ako'y hindi nagpautang na may patubo o pinautang man na may patubo, gayunma'y sinusumpa nila akong lahat. Sinabi ng PANGINOON, Tunay na namagitan ako sa iyong buhay sa ikabubuti, tunay na nakiusap ako sa iyo para sa kaaway sa panahon ng kasamaan at sa panahon ng kagipitan! Mababasag ba ng sinuman ang bakal, ang bakal na mula sa hilaga, at ang tanso? "Ang iyong kayamanan at ang iyong ari-arian ay ibibigay ko bilang samsam, na walang bayad, dahil sa lahat mong kasalanan, sa lahat mong nasasakupan. Pararaanin kita kasama ng iyong mga kaaway sa lupaing hindi mo nakikilala; sapagkat sa aking galit ay isang apoy ang nagniningas na magliliyab magpakailanman." O PANGINOON, nalalaman mo; alalahanin mo ako, at dalawin mo ako, at ipaghiganti mo ako sa mga umuusig sa akin. Ayon sa iyong pagiging matiisin ay huwag mo akong kunin, alamin mo na alang-alang sa iyo ay nagtitiis ako ng pagkutya. Ang iyong mga salita ay natagpuan, at aking kinain; at sa ganang akin ang iyong mga salita ay katuwaan at kagalakan ng aking puso, sapagkat ako'y tinatawag sa iyong pangalan, O PANGINOON, Diyos ng mga hukbo. Hindi ako umupo sa kapulungan ng mga nagsasaya, ni nagalak man ako; ako'y naupong mag-isa sapagkat ang iyong kamay ay nakapatong sa akin, sapagkat pinuno mo ako ng galit. Bakit hindi tumitigil ang aking kirot, at ang aking sugat ay walang lunas, at ayaw mapagaling? Ikaw ba'y magiging parang mandarayang batis sa akin, parang tubig na nauubos? Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON: "Kung ikaw ay magbabalik-loob, tatanggapin kitang muli, at ikaw ay tatayo sa harapan ko. Kung bibigkasin mo ang mahalaga at hindi ang walang katuturan, ikaw ay magiging parang aking bibig. Sila'y manunumbalik sa iyo, ngunit hindi ka manunumbalik sa kanila. At gagawin kita para sa bayang ito na pinatibay na pader na tanso; lalaban sila sa iyo, ngunit hindi sila magtatagumpay laban sa iyo; sapagkat ako'y kasama mo upang iligtas kita at sagipin kita, sabi ng PANGINOON. At ililigtas kita mula sa kamay ng masama, at tutubusin kita mula sa kamay ng mga walang awa." Ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Huwag kang mag-aasawa, o magkakaroon man ng mga anak na lalaki o babae sa lugar na ito: Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON tungkol sa mga anak na lalaki at babae na ipinanganak sa lugar na ito, at tungkol sa mga ina at ama na nagsilang sa kanila sa lupaing ito: Sila'y mamamatay sa mga masaklap na pagkamatay. Hindi sila tatangisan, ni ililibing man sila. Sila'y magiging gaya ng dumi sa ibabaw ng lupa. Sila'y mamamatay sa tabak at pagkagutom, at ang kanilang mga bangkay ay magiging pagkain ng mga ibon sa himpapawid, at ng mga hayop sa lupa. "Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON: Huwag kang pumasok sa bahay ng pagluluksa, o pumaroon upang tumaghoy, o umiyak man sa mga iyon; sapagkat aking inalis ang kapayapaan ko sa bayang ito at ang aking tapat na pag-ibig at habag, sabi ng PANGINOON. Ang dakila at hamak ay kapwa mamamatay sa lupaing ito; sila'y hindi malilibing, at walang tataghoy para sa kanila o maghihiwa ng sarili o magpapakalbo man para sa kanila. Walang magpuputol ng tinapay para sa nagluluksa, upang aliwin sila dahil sa namatay; ni ang sinuman ay magbibigay sa kanya ng saro ng kaaliwan upang inumin para sa kanyang ama o ina. Huwag kang papasok sa bahay na may handaan upang makasalo nila sa pagkain at pag-inom. Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Aking patitigilin sa lugar na ito, sa harapan ng inyong mga mata at sa inyong mga araw, ang tinig ng katuwaan at kasayahan, ang mga tinig ng lalaking ikakasal at ng babaing ikakasal. "At kapag sinabi mo sa mga taong ito ang lahat ng mga salitang ito, at kanilang sasabihin sa iyo, 'Bakit binigkas ng PANGINOON ang lahat ng malaking kasamaang ito laban sa amin? Ano ang aming kasamaan? Ano ang kasalanang nagawa namin laban sa PANGINOON naming Diyos?' Kung magkagayo'y sasabihin mo sa kanila, 'Sapagkat tinalikuran ako ng inyong mga ninuno, at nagsisunod sa ibang mga diyos, naglingkod sa kanila, nagsisamba sa kanila, tinalikuran ako, at hindi iningatan ang aking kautusan, sabi ng PANGINOON. At yamang kayo'y nagsigawang kasamaan na higit kaysa inyong mga ninuno, sapagkat, masdan ninyo, lumalakad ang bawat isa sa inyo ayon sa katigasan ng kanya-kanyang masamang kalooban, at ayaw makinig sa akin. Kaya't itataboy ko kayo mula sa lupaing ito tungo sa lupaing hindi ninyo Mala, ni ng inyong mga ninuno. Doo'y maglilingkod kayo sa ibang mga diyos araw at gabi, sapagkat hindi ako magpapakita sa inyo ng anumang paglingap.' "Kaya't ang mga araw ay dumarating, sabi ng PANGINOON, na hindi na sasabihin pa, 'Habang buhay ang PANGINOON, na nag-ahon sa sambahayan ng Israel mula sa lupain ng Ehipto;' kundi, 'Habang buhay ang PANGINOON, na nag-ahon sa sambayanan ng Israel mula sa hilagang lupain at mula sa lahat ng lupain na pinagtabuyan niya sa kanila!' Sapagkat ibabalik ko sila sa kanilang sariling lupain na ibinigay ko sa kanilang mga ninuno. "Narito, ipasusundo ko ang maraming mangingisda, at kanilang huhulihin sila, sabi ng PANGINOON. At pagkatapos ay ipasusundo ko ang maraming mangangaso, at kanilang huhulihin sila sa bawat bundok at burol, at sa mga bitak ng malalaking bato. Sapagkat ang aking mga mata ay nasa lahat ng kanilang lakad, sila'y hindi nakukubli sa akin o nalilingid man ang kanilang kasamaan sa harap ng aking mga mata. At akin munang dalawang ulit na gagantihan ang kanilang kasamaan at ang kanilang kasalanan, sapagkat kanilang dinumihan ang aking lupain ng mga bangkay ng kanilang karumaldumal na mga diyus-diyosan, at kanilang pinuno ang aking mana ng kanilang mga kasuklamsuklam." O PANGINOON, aking kalakasan at aking tanggulan, at aking kanlungan sa araw ng kaguluhan, sa iyo pupunta ang mga bansa mula sa mga hangganan ng daigdig, at magsasabi, "Ang aming mga ninuno ay walang minana kundi mga kasinungalingan, mga walang kabuluhang bagay na hindi mapapakinabangan. Makakagawa ba ang tao para sa kanyang sarili ng mga diyos? Ang mga iyon ay hindi mga diyos!" "Kaya't ipapaalam ko sa kanila, minsan pa ay ipapaalam ko sa kanila ang aking lakas at ang aking kapangyarihan; at malalaman nila na ang aking pangalan ay PANGINOON." "Ang kasalanan ng Juda ay isinulat ng panulat na bakal. Sa pamamagitan ng pang-ukit na diamante, iniukit ito sa kanilang puso at sa mga sungay ng kanilang mga dambana; habang naaalala ng kanilang mga anak ang kanilang mga dambana at mga Ashera sa tabi ng bawat luntiang punungkahoy, at sa mga mataas na burol, sa mga bundok sa kaparangan. Ang lahat mong kayamanan at ari-arian ay aking ibibigay na samsam bilang halaga ng iyong kasalanan sa iyong buong nasasakupan. Ibibitaw mo ang iyong kamay sa iyong mana na ibinigay ko sa iyo; at papaglilingkurin kita sa iyong mga kaaway sa lupain na hindi mo nakikilala; sapagkat sa aking galit ay nagningas ang apoy na magliliyab magpakailanman." Ganito ang sabi ng PANGINOON: "Sumpain ang tao na nagtitiwala sa tao, at ginagawang kalakasan ang laman, at ang puso ay lumalayo sa PANGINOON. Sapagkat siya'y magiging gaya ng kugon sa ilang, at hindi makakakita ng anumang mabuting darating. Siya'y maninirahan sa mga tuyong dako sa ilang, sa lupang maalat at hindi tinatahanan. "Mapalad ang tao na nagtitiwala sa PANGINOON, at ang pag-asa ay ang PANGINOON. Sapagkat siya'y magiging tulad sa punungkahoy na itinanim sa tabi ng tubig, at gumagapang ang mga ugat sa tabi ng batis, at hindi natatakot kapag dumarating ang init, sapagkat ang mga dahon nito ay nananatiling sariwa; at hindi mababalisa sa taon ng pagkatuyo, sapagkat hindi ito tumitigil sa pamumunga." Ang puso ay mandaraya kaysa lahat ng bagay, at lubhang napakasama; sinong makakaunawa nito? "Akong PANGINOON ay sumisiyasat ng pag-iisip, at sumusubok ng puso, upang ibigay sa lahat ang ayon sa kanilang mga lakad, ayon sa bunga ng kanyang mga gawa." Gaya ng pugo na pinipisa ang hindi naman kanyang itlog, gayon ang yumayaman ngunit hindi sa tamang paraan; sa kalagitnaan ng kanyang mga araw ay kanilang iiwan siya, at sa kanyang wakas ay magiging hangal siya. Isang maluwalhating trono na itinaas mula nang pasimula, ang lugar ng aming santuwaryo. O PANGINOON, ang pag-asa ng Israel, ang lahat ng tumalikod sa iyo ay mapapahiya. Silang humihiwalay sa iyo ay masusulat sa lupa, sapagkat kanilang tinalikuran ang PANGINOON, ang bukal ng tubig na buhay. Pagalingin mo ako, O PANGINOON, at gagaling ako; iligtas mo ako, at maliligtas ako; sapagkat ikaw ang aking kapurihan. Sinasabi nila sa akin, "Nasaan ang salita ng PANGINOON? Hayaan itong dumating ngayon!" Tungkol sa akin, hindi ako nagmadali na lumayo sa pagkapastol na kasunod mo; ni ninasa ko man ang araw ng kapahamakan; iyong nalalaman ang lumabas sa aking mga labi ay nasa iyong harapan. Huwag kang maging kilabot saakin, ikaw ang aking kanlungan sa araw ng kasamaan. Mapahiya nawa silang umuusig sa akin, ngunit huwag mo akong ipahiya; biguin mo sila, ngunit huwag akong biguin. Iparating mo sa kanila ang araw ng kasamaan, at wasakin mo sila ng ibayong pagkawasak! Ganito ang sabi ng PANGINOON sa akin, "Humayo ka at tumayo ka sa pintuan ng mga anak ng taong-bayan, na pinapasukan at nilalabasan ng mga hari ng Juda, at sa lahat ng mga pintuan ng Jerusalem; at sabihin mo sa kanila: 'Pakinggan ninyo ang salita ng PANGINOON, ninyong mga hari ng Juda, at ng buong Juda, at ng lahat ng naninirahan sa Jerusalem na pumapasok sa mga pintuang ito. Ganito ang sabi ng PANGINOON: Mag-ingat kayo sa inyong sarili, at huwag kayong magdala ng pasan sa araw ng Sabbath, o ipasok iyon sa mga pintuan ng Jerusalem. Huwag din kayong maglabas ng pasan sa inyong mga bahay sa araw ng Sabbath, o gumawa man kayo ng anumang gawain; kundi inyong ipangilin ang araw ng Sabbath, gaya ng iniutos ko sa inyong mga ninuno. Gayunma'y hindi sila nakinig, o ikiniling man ang kanilang pandinig, kundi pinagmatigas ang kanilang ulo, upang huwag silang makinig at tumanggap ng turo. " 'Ngunit, kung kayo'y makiki-nig sa akin, sabi ng PANGINOON, at hindi magpapasok ng pasan sa mga pintuan ng lunsod na ito sa araw ng Sabbath, kundi ipangingilin ang araw ng Sabbath, at hindi gagawa ng anumang gawain sa araw na iyon, kung gayo'y papasok sa mga pintuan ng lunsod na ito ang mga hari at prinsipe na nakaupo sa trono ni David, na nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo, sila at ang kanilang mga prinsipe, ang mga mamamayan ng Juda at ang mga taga-Jerusalem; at ang lunsod na ito ay mananatili magpakailanman. At darating ang mga tao mula sa mga bayan ng Juda at sa mga lugar sa palibot ng Jerusalem, mula sa lupain ng Benjamin, mula sa Shefela, mula sa maburol na lupain, at mula sa Negeb, na may dalang mga handog na sinusunog at mga alay, mga handog na butil at insenso, at handog na pasasalamat sa bahay ng PANGINOON. Ngunit kung hindi kayo makikinig sa akin, upang ipangilin ang araw ng Sabbath, at huwag magdala ng pasan at pumasok sa mga pintuan ng Jerusalem sa araw ng Sabbath; kung magkagayo'y magpapaningas ako ng apoy sa mga pintuan nito, at lalamunin nito ang mga palasyo ng Jerusalem at hindi ito mapapatay.'" Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa PANGINOON, na sinasabi, "Tumindig ka, bumaba ka sa bahay ng magpapalayok, at doo'y iparirinig ko sa iyo ang aking mga salita." Kaya't bumaba ako sa bahay ng magpapalayok, at naroon siya na gumagawa sa kanyang gulong na panggawa. At ang sisidlan na kanyang ginagawa mula sa luwad ay nasira sa kamay ng magpapalayok, at muli niya itong ginawa upang maging panibagong sisidlan, ayon sa ikinasiya na gawin ng magpapalayok. Pagkatapos ay dumating sa akin ang salita ng PANGINOON, na sinasabi, "O sambahayan ng Israel, hindi ko ba magagawa sa inyo ang gaya ng ginawa ng magpapalayok na ito? sabi ng PANGINOON. Gaya ng putik sa kamay ng magpapalayok, gayon kayo sa kamay ko, O sambahayan ng Israel. Kung sa anumang sandali ay magsalita ako ng tungkol sa isang bansa o sa isang kaharian na ito'y aking bubunutin, ibabagsak at lilipulin, at kung ang bansang iyon na aking pinagsalitaan ay humiwalay sa kanilang kasamaan ay magbabago ang isip ko tungkol sa kasamaan na binabalak kong gawin doon. At kung sa anumang sandali ay magsalita ako tungkol sa isang bansa o kaharian, na ito'y aking itatayo at itatanim, kung ito'y gumawa ng kasamaan sa aking paningin, na hindi nakikinig sa aking tinig, ay magbabago ang isip ko tungkol sa kabutihan na binabalak kong gawin doon. Kaya't ngayon, sabihin mo sa mga kalalakihan ng Juda at sa mga naninirahan sa Jerusalem: 'Ganito ang sabi ng PANGINOON: Ako'y bumubuo ng kasamaan laban sa inyo, at bumabalangkas ng balak laban sa inyo. Manumbalik ang bawat isa sa inyo mula sa kanyang masamang lakad, at baguhin ninyo ang inyong mga lakad at ang inyong mga gawa.' "Ngunit kanilang sinabi, 'Wala iyang kabuluhan! Susunod kami sa aming sariling mga panukala, at bawat isa'y kikilos ng ayon sa katigasan ng kanyang masamang puso.' "Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON: Ipagtanong mo sa mga bansa, sinong nakarinig ng katulad nito? Ang birhen ng Israel ay gumawa ng kakilakilabot na bagay. Iniiwan ba ng niyebe ng Lebanon ang mga bato ng Sirion? Natutuyo ba ang mga tubig sa bundok, ang umaagos na malamig na tubig? Ngunit kinalimutan ako ng aking bayan, sila'y nagsusunog ng insenso sa mga di tunay na diyos; at sila'y natisod sa kanilang mga lakad, sa mga sinaunang landas, at lumakad sa mga daan sa tabi-tabi, hindi sa lansangang-bayan, na ginagawa ang kanilang lupain na isang katatakutan, isang bagay na hahamakin magpakailanman. Bawat isang dumaraan doon ay kinikilabutan at iniiling ang kanyang ulo. Ikakalat ko sila na gaya ng hanging silangan sa harapan ng kaaway. Ipapakita ko sa kanila ang aking likod, hindi ang aking mukha, sa araw ng kanilang kapahamakan." Nang magkagayo'y sinabi nila, "Halikayo, at magpakana tayo ng mga pakana laban kay Jeremias, sapagkat ang kautusan ay hindi mawawala sa pari, o ang payo sa pantas, o ang salita man sa propeta. Halikayo, saktan natin siya sa pamamagitan ng dila at huwag nating pansinin ang kanyang mga salita." Bigyang-pansin mo ako, O PANGINOON, at pakinggan mo ang sinasabi ng aking mga kaaway! Ang kasamaan ba'y ganti sa kabutihan? Gayunma'y gumawa sila ng hukay para sa aking buhay. Alalahanin mo kung paanong ako'y tumayo sa harapan mo, upang magsalita ng mabuti para sa kanila, upang ilayo ang iyong poot sa kanila. Kaya't ibigay mo ang kanilang mga anak sa taggutom, ibigay mo sila sa kapangyarihan ng tabak; ang kanila nawang mga asawa ay mawalan ng anak at mabalo. Ang kanila nawang mga lalaki ay mamatay sa salot at ang kanilang mga kabataan ay mapatay ng tabak sa labanan. Makarinig nawa ng daing mula sa kanilang mga bahay, kapag bigla mong dinala ang mga mandarambong sa kanila! Sapagkat sila'y gumawa ng hukay upang kunin ako, at naglagay ng mga bitag para sa aking mga paa. Gayunman, ikaw, O PANGINOON, ay nakakaalam sa lahat nilang balak na ako'y patayin. Huwag mong patawarin ang kanilang kasamaan, ni pawiin man ang kanilang kasalanan sa iyong paningin. Bumagsak sana sila sa harapan mo. Harapin mo sila sa panahon ng iyong galit. Ganito ang sabi ng PANGINOON, "Humayo ka, bumili ka ng isang sisidlang-lupa ng magpapalayok, at isama mo ang ilan sa matatanda sa bayan at ang mga matatanda sa mga pari. Lumabas kayo sa libis ng anak ni Hinom na nasa tabi ng pasukan ng pintuan ng Harsit, at ipahayag mo roon ang mga salita na aking sasabihin sa iyo. At sabihin mo, 'Pakinggan ninyo ang salita ng PANGINOON, O mga hari ng Juda at mga naninirahan sa Jerusalem. Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Ako'y magpaparating ng kasamaan sa dakong ito anupa't ang mga tainga ng makakarinig nito ay magpapanting. Sapagkat tinalikuran ako ng bayan, at nilapastangan ang dakong ito sa pamamagitan ng pagsusunog dito ng insenso para sa ibang mga diyos na hindi nila nakilala ni ng kanilang mga ninuno, ni ng mga hari ng Juda. Kanilang pinuno ang dakong ito ng dugo ng mga walang sala. Nagtayo rin sila ng matataas na dako ni Baal na pinagsusunugan ng kanilang mga anak sa apoy bilang handog na sinusunog kay Baal, na hindi ko iniutos, o itinakda, ni pumasok man lamang sa aking pag-iisip. Kaya't ang mga araw ay dumarating, sabi ng PANGINOON, na ang lugar na ito ay hindi na tatawaging Tofet, o libis ng anak ni Hinom, kundi ang libis ng Katayan. At sa lugar na ito ay gagawin kong walang kabuluhan ang mga panukala ng Juda at ng Jerusalem, at ibubuwal ko sila sa pamamagitan ng tabak sa harapan ng kanilang mga kaaway, at sa pamamagitan ng kamay ng mga tumutugis sa kanilang buhay. Ang kanilang mga bangkay ay ibibigay kong pagkain para sa mga ibon sa himpapawid at sa mga hayop sa lupa. Gagawin kong katatakutan ang lunsod na ito, isang bagay na hahamakin. Bawat isa na magdaraan doon ay maghihilakbot at magsisisutsot dahil sa lahat nitong kapahamakan. At ipapakain ko sa kanila ang laman ng kanilang mga anak na lalaki at babae, at bawat isa ay kakain ng laman ng kanyang kapwa sa pagkakakubkob at sa kagipitan, sa pamamagitan ng mga ito'y pahihirapan sila ng kanilang mga kaaway at ng mga tumutugis sa kanilang buhay.' "Kung magkagayo'y babasagin mo ang banga sa paningin ng mga lalaking sumama sa iyo, at sasabihin mo sa kanila, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: Ganito ko babasagin ang sambayanang ito at ang lunsod na ito, gaya ng pagbasag sa isang sisidlan ng magpapalayok, anupa't ito'y hindi na muling mabubuo. Ang mga tao'y maglilibing sa Tofet hanggang wala nang ibang lugar na mapaglilibingan. Ganito ang gagawin ko sa dakong ito, sabi ng PANGINOON, at sa mga naninirahan dito, upang ang lunsod na ito ay maging gaya ng Tofet. At ang mga bahay ng Jerusalem at ang mga bahay ng mga hari sa Juda ay magiging marumi gaya ng lugar ng Tofet — lahat ng bahay na ang mga bubungan ay pinagsunugan ng insenso para sa lahat ng natatanaw sa langit, at ang mga handog na inumin ay ibinuhos para sa ibang mga diyos.'" Nang dumating si Jeremias mula sa Tofet na pinagsuguan sa kanya ng PANGINOON upang doon ay magsalita ng propesiya, tumayo siya sa bulwagan ng bahay ng PANGINOON, at sinabi sa buong bayan: "Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel. Dinadalhan ko ang lunsod na ito at ang lahat nitong mga bayan ng lahat ng kasamaan na aking sinalita laban dito, sapagkat pinapagmatigas nila ang kanilang ulo at ayaw nilang makinig sa aking mga salita." Napakinggan ni Pashur na anak ni Imer na pari, na punong tagapangasiwa sa bahay ng PANGINOON, si Jeremias na nagsasalita ng propesiya tungkol sa mga bagay na ito. Nang magkagayo'y sinaktan ni Pashur si Jeremias na propeta, at ginapos sa tanikala sa mas mataas na pintuan ng Benjamin sa bahay ng PANGINOON. Kinabukasan, nang mapalaya na ni Pashur si Jeremias mula sa mga tanikala, sinabi ni Jeremias sa kanya, "Hindi ka tinatawag ng PANGINOON sa pangalang Pashur, kundi Magor-missabib. Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON: Narito, gagawin kitang kilabot sa iyong sarili at sa iyong mga kaibigan. Sila'y mabubuwal sa pamamagitan ng tabak ng kanilang mga kaaway habang ikaw ay nakatingin. At ibibigay ko ang buong Juda sa kamay ng hari ng Babilonia. Kanyang dadalhin sila bilang mga bihag sa Babilonia, at papatayin sila ng tabak. Bukod dito ay ibibigay ko ang lahat ng kayamanan ng lunsod na ito, lahat ng kinita nito, lahat ng mahahalagang ari-arian nito, at ang lahat ng kayamanan ng mga hari ng Juda sa kamay ng kanilang mga kaaway na mananamsam sa kanila na huhuli at magdadala sa kanila sa Babilonia. At ikaw, Pashur, at ang lahat ng nakatira sa iyong bahay ay pupunta sa pagkabihag. Pupunta ka sa Babilonia at doon ka mamamatay, at doon ka ililibing, ikaw at ang lahat mong mga kaibigan na iyong pinagpahayagan ng kasinungalingan." O PANGINOON, dinaya mo ako, at ako'y nadaya; mas malakas ka kaysa akin, at nanaig ka. Ako'y nagiging katatawanan buong araw, tinutuya ako ng bawat isa. Sapagkat tuwing ako'y magsasalita, sumisigaw ako, isinisigaw ko, "Karahasan at pagkawasak!" Sapagkat ang salita ng PANGINOON ay naging pagkutya at kadustaan sa akin sa bawat araw. At kung aking sasabihin, "Hindi ko na siya babanggitin, o magsasalita pa sa kanyang pangalan," waring sa aking puso ay may nag-aalab na apoy na nakakulong sa aking mga buto, at ako'y pagod na sa kapipigil dito, at hindi ko makaya. Sapagkat narinig ko ang marami na bumubulong. Ang kilabot ay nasa lahat ng panig! "Batikusin natin siya. Batikusin natin siya!" Ang wika ng lahat kong mga kaibigan, na nagmamatyag sa aking pagbagsak. "Marahil siya'y madadaya, kung magkagayo'y madadaig natin siya, at tayo'y makakaganti sa kanya." Ngunit ang PANGINOON ay kasama ko na gaya ng isangkinatatakutang mandirigma; kaya't ang mga umuusig sa akin ay matitisod, hindi nila ako madadaig. Sila'y lubhang mapapahiya, sapagkat sila'y hindi magtatagumpay. Ang kanilang walang hanggang kahihiyan ay hindi malilimutan. O PANGINOON ng mga hukbo, na sumusubok sa matuwid, na nakakakita ng puso at pag-iisip, ipakita mo sa akin ang iyong paghihiganti sa kanila; sapagkat sa iyo ay itinalaga ko ang aking ipinaglalaban. Magsiawit kayo sa PANGINOON, purihin ninyo ang PANGINOON! Sapagkat kanyang iniligtas ang kaluluwa ng nangangailangan mula sa kamay ng mga manggagawa ng kasamaan. Sumpain ang araw na ako'y ipinanganak! Ang araw na ako'y isinilang ng aking ina, huwag nawa itong basbasan! Sumpain ang tao na nagdala ng balita sa aking ama, "Isang lalaki ang ipinanganak sa iyo," na kanyang ikinagalak. Ang lalaki nawang iyon ay maging gaya ng mga lunsod na walang awang giniba ng PANGINOON, at makarinig nawa siya ng daing sa umaga, at babala sa katanghaliang-tapat; sapagkat hindi niya ako pinatay sa sinapupunan; at sa gayo'y naging libingan ko sana ang aking ina, at ang kanyang sinapupunan, ay naging dakila magpakailanman. Bakit ako'y lumabas pa sa sinapupunan upang makakita ng hirap at kalungkutan, at gugulin ang aking mga araw sa kahihiyan? Ito ang salitang dumating kay Jeremias mula sa PANGINOON, nang suguin sa kanya ni Haring Zedekias si Pashur na anak ni Malkias, at si Sefanias na anak ng paring si Maasias, na sinasabi, "Isangguni mo kami sa PANGINOON sapagkat si Nebukadnezar na hari ng Babilonia ay nakikipagdigma laban sa amin. Marahil ang PANGINOON ay gagawa sa amin ng ayon sa lahat niyang kahanga-hangang gawa, at kanyang pauurungin siya mula sa amin." At sinabi ni Jeremias sa kanila, "Ganito ang inyong sasabihin kay Zedekias: 'Ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng Israel. Ibabalik ko ang mga sandatang pandigma na nasa inyong mga kamay, na inyong ginagamit sa pakikipaglaban sa hari ng Babilonia, at laban sa mga Caldeo na kumukubkob sa inyo sa labas ng mga pader. Aking titipunin ang mga iyon sa girna ng lunsod na ito. Ako mismo ang lalaban sa inyo na may nakaunat na kamay at malakas na bisig, sa galit, sa bagsik, at sa matinding poot. At pupuksain ko ang mga naninirahan sa lunsod na ito, ang tao at ang hayop: sila'y mamamatay sa matinding salot. At pagkatapos, sabi ng PANGINOON, ibibigay ko si Zedekias na hari ng Juda, at ang kanyang mga lingkod, at ang mga tao sa lunsod na ito na nakaligtas sa salot, sa tabak, at sa taggutom, sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia at sa kamay ng kanilang mga kaaway, sa kamay ng mga tumutugis sa kanilang buhay. Kanyang papatayin sila ng talim ng tabak; sila'y hindi niya kahahabagan, o patatawarin man, o kaaawaan man.' "At sa sambayanang ito ay sasabihin mo: 'Ganito ang sabi ng PANGINOON: Inilalagay ko sa harapan ninyo ang daan ng buhay at ang daan ng kamatayan. Ang mananatili sa lunsod na ito ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, ng gutom, at ng salot; ngunit ang lumabas at sumuko sa mga Caldeo na kumukubkob sa inyo ay mabubuhay, at tataglayin ang kanyang buhay bilang gantimpala sa digmaan. Sapagkat iniharap ko ang aking mukha laban sa lunsod na ito para sa kasamaan at hindi sa kabutihan, sabi ng PANGINOON. Ito'y ibibigay sa kamay ng hari ng Babilonia, at kanyang susunugin ito ng apoy.' "At sabihin mo sa sambahayan ng hari ng Juda, 'Pakinggan ninyo ang salita ng PANGINOON. O sambahayan ni David! Ganito ang sabi ng PANGINOON, " 'Maggawad ka ng katarungan sa bawat umaga, at iligtas mo ang nanakawan mula sa kamay ng mapang-api, upang ang aking poot ay hindi lumabas na parang apoy, at susunog na walang makakapatay, dahil sa inyong masasamang gawa!'" "Narito, ako'y laban sa iyo, O naninirahan sa libis, O bato ng kapatagan, sabi ng PANGINOON; kayong nagsasabi, 'Sinong bababang laban sa atin? o sinong papasok sa ating mga tirahan?' Ngunit parurusahan ko kayo ayon sa bunga ng inyong mga gawa, sabi ng PANGINOON; ako'y magpapaningas ng apoy sa kanyang gubat, at lalamunin nito ang lahat ng nasa kanyang palibot." JGanito ang sabi ng PANGINOON: "Bumaba ka sa bahay ng hari ng Juda, at sabihin mo doon ang salitang ito, at iyong sabihin, 'Pakinggan mo ang salita ng PANGINOON, O hari ng Juda, na nakaluklok sa trono ni David, ikaw, at ang iyong mga lingkod, at ang iyong mga mamamayan na pumapasok sa mga pintuang ito. Ganito ang sabi ng PANGINOON: Gumawa kayo nang may katarungan at katuwiran, at iligtas ninyo ang ninakawan mula sa kamay ng mapang-api. At huwag ninyong gawan ng masama o karahasan ang mga dayuhan, ang mga ulila at ang mga balo, o magpadanak man ng walang salang dugo sa dakong ito. Sapagkat kung tunay na inyong susundin ang salitang ito, kung gayo'y papasok sa mga pintuan ng bahay na ito ang mga hari na naka-upo sa trono ni David, na nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo, sila at ang kanyang mga lingkod, at ang kanilang taong-bayan. Ngunit kung hindi ninyo susundin ang mga salitang ito, ako'y sumusumpa sa aking sarili, sabi ng PANGINOON, na ang bahay na ito ay mawawasak. Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON tungkol sa sambahayan ng hari ng Juda, " 'Ikaw ay gaya ng Gilead sa akin, gaya ng tuktok ng Lebanon; tiyak na gagawin kitang isang disyerto, gaya ng mga lunsod na hindi tinatahanan. Ako'y maghahanda ng mga mamumuksa laban sa iyo, bawat isa'y may kanya-kanyang mga sandata; at kanilang puputulin ang iyong mga piling sedro, at ihahagis sa apoy. " 'Maraming bansa ang daraan sa lunsod na ito, at sasabihin ng bawat isa sa kanyang kapwa, "Bakit ganito ang ginawa ng PANGINOON sa dakilang lunsod na ito?" At sila'y sasagot, "Sapagkat kanilang pinabayaan ang tipan ng PANGINOON nilang Diyos, at sumamba sa ibang mga diyos, at naglingkod sa kanila."'" Huwag ninyong iyakan ang patay, o tangisan man ninyo siya; kundi patuloy ninyong iyakan ang umaalis, sapagkat hindi na siya babalik, ni makikita pa ang kanyang lupang tinubuan. Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON tungkol kay Shallum na anak ni Josias, na hari ng Juda, na nagharing kahalili ni Josias na kanyang ama, na umalis sa lugar na ito: "Hindi na siya babalik rito, kundi sa dakong pinagdalhan sa kanya bilang bihag, doon siya mamamatay, at hindi na niya muling makikita ang lupaing ito." "Kahabag-habag siya na nagtatayo ng kanyang bahay sa kawalang-katuwiran, at ng kanyang mga silid sa itaas sa pamamagitan ng kawalang katarungan; na pinapaglingkod ang kanyang kapwa na walang upa, at hindi niya binibigyan ng kanyang sahod; na nagsasabi, 'Ako'y magtatayo para sa sarili ko ng malaking bahay na may maluluwang na silid sa itaas,' at naglalagay ng mga bintana roon, dinidingdingan ng sedro, at pinipintahan ng kulay pula. Sa palagay mo ba ikaw ay hari, sapagkat nakikipagpaligsahan ka na may sedro? Di ba't ang iyong ama ay kumain at uminom at naggawad ng katarungan at katuwiran? Kaya naman iyon ay ikinabuti niya. Kanyang hinatulan ang kapakanan ng dukha at ng nangangailangan; at iyon ay mabuti. Hindi ba ito ang pagkilala sa akin? sabi ng PANGINOON. Ngunit ang iyong mga mata at puso ay para lamang sa iyong madayang pakinabang, at sa pagpapadanak ng walang salang dugo, at sa paggawa ng pang-aapi at karahasan." Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON tungkol kay Jehoiakim na anak ni Josias, hari ng Juda, "Hindi nila tataghuyan siya na sasabihin, 'Ah, kapatid kong lalaki!' o kaya'y, 'Ah, kapatid na babae!' Hindi nila tataghuyan siya na sasabihin, 'Ah panginoon!' o, 'Ah, kamahalan!' Ililibing siya ng libing ng asno, kakaladkarin at itatapon sa labas ng mga pintuan ng Jerusalem." "Umakyat ka sa Lebanon at sumigaw ka, ilakas mo ang iyong tinig sa Basan, at ikaw ay sumigaw mula sa Abarim; sapagkat ang lahat mong mangingibig ay nalipol. Ako'y nagsalita sa iyo sa iyong kasaganaan, ngunit iyong sinabi, 'Hindi ako makikinig.' Ito na ang iyong pamumuhay mula sa iyong pagkabata, na hindi mo pinakinggan ang aking tinig. Papastulin ng hangin ang lahat mong mga pastol, at ang iyong mga mangingibig ay pupunta sa pagkabihag; kung magkagayon ay mapapahiya ka at malilito dahil sa lahat mong kasamaan. O naninirahan sa Lebanon, na namumugad sa gitna ng mga sedro, gayon na lamang ang iyong paghihinagpis kapag dumating sa iyo ang pagdaramdam na gaya ng hirap ng isang babaing nanganganak!" "Habang ako'y buhay, sabi ng PANGINOON, kahit pa si Conias na anak ni Jehoiakim na hari ng Juda ay maging singsing na pantatak sa aking kanang kamay, gayunma'y bubunutin kita, at ibibigay kita sa kamay ng mga tumutugis sa iyong buhay, Oo, sa kamay ng iyong mga kinatatakutan, maging sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at sa kamay ng mga Caldeo. Itatapon kita at ang iyong ina na nagsilang sa iyo sa ibang lupain na hindi ninyo sinilangan, at doon kayo mamamatay. Ngunit sa lupain na kasasabikan nilang balikan, hindi sila makakabalik doon." Ito bang lalaking si Conias ay isang hamak na basag na palayok? O siya ba'y isang sisidlang hindi kanais-nais? Bakit siya at ang kanyang mga anak ay itinatapon, at inihahagis sa lupaing hindi nila kilala? O lupa, lupa, lupa, pakinggan mo ang salita ng PANGINOON! Ganito ang sabi ng PANGINOON: "Isulat ninyo ang lalaking ito bilang walang anak, isang lalaki na hindi magtatagumpay sa kanyang mga araw; sapagkat walang sinuman sa kanyang mga supling ang magtatagumpay na luluklok sa trono ni David, at maghahari pang muli sa Juda." "Kahabag-habag ang mga pastol na pumapatay at nagpapangalat sa mga tupa ng aking pastulan!" sabi ng PANGINOON. Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng Israel, tungkol sa mga pastol na nangangalaga sa aking bayan: "Inyong pinangalat ang aking kawan, at itinaboy ninyo sila, at hindi ninyo sila dinalaw. Dadalawin ko kayo dahil sa inyong masasamang gawa, sabi ng PANGINOON. Pagkatapos ay titipunin ko mismo ang nalabi sa aking kawan mula sa lahat ng lupain na aking pinagtabuyan sa kanila. Ibabalik ko sila sa kanilang mga kulungan at sila'y magiging mabunga at darami. Ako'y maglalagay ng mga pastol na mag-aalaga sa kanila at hindi na sila matatakot, o manlulupaypay pa, o mawawala man ang sinuman sa kanila, sabi ng PANGINOON. "Narito ang mga araw ay dumarating, sabi ng PANGINOON, na ako'y magbabangon para kay David ng isang matuwid na Sanga. At siya'y mamumuno bilang hari at gagawang may katalinuhan, at maggagawad ng katarungan at katuwiran sa lupain. Sa kanyang mga araw ay maliligtas ang Juda at ang Israel ay tiwasay na maninirahan. At ito ang pangalan na itatawag sa kanya: 'Ang PANGINOON ang ating katuwiran.' "Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng PANGINOON, na hindi na sasabihin ng mga tao, 'Habang buhay ang PANGINOON na nag-ahon sa mga anak ni Israel mula sa lupain ng Ehipto;' kundi, 'Habang buhay ang PANGINOON na nag-ahon at nanguna sa mga anak ng sambahayan ng Israel mula sa hilagang lupain, at mula sa lahat ng lupain na aking pinagtabuyan sa kanila.' At sila'y maninirahan sa kanilang sariling lupa." Tungkol sa mga propeta: Ang puso ko ay wasak sa aking kalooban, lahat ng aking mga buto ay nanginginig; ako'y gaya ng taong lasing, gaya ng taong dinaig ng alak, dahil sa PANGINOON, at dahil sa kanyang mga banal na salita. Sapagkat ang lupain ay puno ng mga mangangalunya; dahil sa sumpa ay tumatangis ang lupain; at ang mga pastulan sa ilang ay natuyo. At ang kanilang lakad ay masama, at ang kanilang lakas ay hindi tama. "Sapagkat parehong marumi ang propeta at ang pari; maging sa aking bahay ay natagpuan ko ang kanilang kasamaan, sabi ng PANGINOON. Kaya't ang kanilang daan ay magiging parang madudulas na landas sa kanila, sila'y itataboy sa kadiliman at mabubuwal doon; sapagkat ako'y magdadala ng kasamaan sa kanila, sa taon ng pagpaparusa sa kanila, sabi ng PANGINOON. At sa mga propeta ng Samaria ay nakakita ako ng kasuklamsuklam na bagay; sila'y nagsalita ng propesiya sa pamamagitan ni Baal, at iniligaw ang aking bayang Israel. Ngunit sa mga propeta ng Jerusalem naman ay nakakita ako ng kakilakilabot na bagay: sila'y nangangalunya at lumalakad sa mga kasinungalingan; pinalalakas nila ang mga kamay ng mga manggagawa ng kasamaan, anupa't walang humihiwalay sa kanyang kasamaan. Silang lahat sa akin ay naging tulad ng Sodoma, at ang mga naninirahan doon, sa akin ay tulad ng Gomorra." Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo tungkol sa mga propeta: "Narito, pakakainin ko sila ng halamang mapait, at binibigyan ko sila ng tubig na may lason upang inumin; sapagkat mula sa mga propeta ng Jerusalem ay lumaganap ang karumihan sa buong lupain." Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: "Huwag ninyong pakinggan ang mga salita ng mga propeta na nagpapahayag sa inyo na kayo'y pinupuno ng mga walang kabuluhang pag-asa. Sila'y nagsasalita ng pangitain mula sa kanilang sariling isipan, at hindi mula sa bibig ng PANGINOON. Patuloy nilang sinasabi sa mga humahamak sa akin, sinabi ng PANGINOON, 'Magkakaroon kayo ng kapayapaan'; at sa bawat isa na may katigasang sumusunod sa kanyang sariling puso ay sinasabi nila, 'Walang kasamaang darating sa inyo.'" Sapagkat sino ang tumayo sa sanggunian ng PANGINOON, upang malaman at pakinggan ang kanyang salita, o sinong pumansin sa kanyang salita at nakinig? Narito, ang bagyo ng PANGINOON sa poot ay lumabas, isang paikut-ikot na unos; ito'y sasabog sa ulo ng masama. Ang galit ng PANGINOON ay hindi babalik, hanggang sa kanyang maigawad at maisagawa ang mga layunin ng kanyang pag-iisip. Sa mga huling araw ay mauunawaan ninyo ito nang maliwanag. "Hindi ko sinugo ang mga propeta, gayunma'y nagsitakbo sila; ako'y hindi nagsalita sa kanila, gayunma'y nagpahayag sila ng propesiya. Ngunit kung sila'y tumayo sa aking sanggunian, kanila sanang naipahayag ang aking mga salita sa aking bayan, at kanila sanang naihiwalay sila sa kanilang masamang lakad, at sa kasamaan ng kanilang mga gawa. "Ako ba'y Diyos lamang sa malapit at hindi sa malayo? sabi ng PANGINOON. Makapagtatago ba ang isang tao sa mga lihim na dako upang hindi ko siya makita? sabi ng PANGINOON. Hindi ba pinupuno ko ang langit at ang lupa? sabi ng PANGINOON. Narinig ko kung ano ang sinabi ng mga propeta na nagpahayag ng mga kasinungalingan sa aking pangalan, na nagsasabi, 'Ako'y nanaginip, ako'y nanaginip!' Hanggang kailan magkakaroon ng kasinungalingan sa puso ng mga propeta na nagpapahayag ng mga kasinungalingan at ng daya ng kanilang sariling puso, na nag-aakalang ipalilimot sa aking bayan ang aking pangalan sa pamamagitan ng kanilang mga panaginip na sinasabi nila sa isa't isa, gaya ng kanilang mga ninuno na lumimot sa aking pangalan dahil kay Baal? Hayaang ang propeta na may panaginip ay isalaysay ang panaginip; ngunit siya na may taglay ng aking salita ay bigkasin niya ang aking salita na may katapatan. Anong pagkakahawig mayroon ang dayami sa trigo? sabi ng PANGINOON. Hindi ba ang aking salita ay parang apoy at parang maso na dumudurog ng bato? sabi ng PANGINOON. Kaya't ako'y laban sa mga propeta na ninanakaw ang aking mga salita sa kanyang kapwa, sabi ng PANGINOON. Ako'y laban sa mga propeta, sabi ng PANGINOON, na ginagamit ang kanilang mga dila at nagsasabi, 'Sinasabi ng PANGINOON.' Ako'y laban sa kanila na ang propesiya ay mga sinungaling na panaginip na nagsasalaysay ng mga iyon, at inililigaw ang aking bayan sa pamamagitan ng kanilang mga kasinungalingan at kawalang-ingat gayong hindi ko sila sinugo, o inatasan man sila. Kaya't wala silang anumang pakinabang na dulot sa bayang ito, sabi ng PANGINOON. "Kapag isa sa sambayanang ito, o isang propeta, o isang pari ang magtanong sa iyo, 'Ano ang pasanin ng PANGINOON?' sasabihin mo sa kanila, 'Kayo ang pasanin, at itatakuwil ko kayo, sabi ng PANGINOON.' At tungkol sa propeta, pari, o isa sa taong-bayan, na magsasabi, 'Ang pasanin ng PANGINOON,' ay parurusahan ko ang lalaking iyon at ang kanyang sambahayan. Ganito ang sasabihin ng bawat isa sa inyo sa kanyang kapwa, at ng bawat isa sa kanyang kapatid, 'Ano ang isinagot ng PANGINOON?' o kaya, 'Ano ang sinabi ng PANGINOON?' Ngunit 'ang pasanin ng PANGINOON' ay huwag na ninyong babanggitin pa, sapagkat ang pasanin ay ang salita ng bawat tao, at inyong minamali ang mga salita ng Diyos na buhay, ng PANGINOON ng mga hukbo, na ating Diyos. Ganito ang iyong sasabihin sa propeta, 'Ano ang isinagot sa iyo ng PANGINOON?' at, 'Ano ang sinabi ng PANGINOON?' Ngunit kung inyong sabihin, 'Ang pasanin ng PANGINOON'; ganito nga ang sabi ng PANGINOON, 'Sapagkat inyong sinabi ang mga salitang ito, "Ang pasanin ng PANGINOON," gayong ako'y nagsugo sa inyo, na sinabi ko, "Huwag ninyong sasabihin, Ang pasanin ng PANGINOON,'" kaya't tiyak na bubuhatin ko kayo at itatapon mula sa aking harapan, kayo at ang lunsod na ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga ninuno. At dadalhan ko kayo ng walang hanggang pagkutya, at walang katapusang kahihiyan na hindi malilimutan.'" Pagkatapos na madalang-bihag ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, mula sa Jerusalem si Jeconias na anak ni Jehoiakim, hari ng Juda, kasama ang mga pinuno ng Juda, ang mga manggagawa at mga panday, at dalhin sila sa Babilonia, ipinakita sa akin ng PANGINOON ang pangitaing ito: May dalawang basket na igos na nakalagay sa harap ng templo ng PANGINOON. Ang isang basket ay mayroong napakagagandang igos, gaya ng mga unang hinog ng igos, ngunit ang isa namang basket ay may mga napakasamang igos, anupa't hindi iyon makakain dahil sa kabulukan. At sinabi ng PANGINOON sa akin, "Anong nakikita mo, Jeremias?" Aking sinabi, "Mga igos. Ang magagandang igos ay napakaganda, at ang masasama ay napakasama, anupa't hindi makakain ang mga iyon dahil sa kabulukan." At ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng Israel: Gaya ng mabubuting igos na ito, gayon ko ituturing na mabuti ang mga bihag mula sa Juda na aking pinaalis mula sa dakong ito patungo sa lupain ng mga Caldeo. Sapagkat itutuon ko ang aking paningin sa kanila para sa ikabubuti, at ibabalik ko sila sa lupaing ito. Itatayo ko sila, at hindi ko sila gigibain. Itatanim ko sila, at hindi ko sila bubunutin. Bibigyan ko sila ng puso na kikilala sa akin, sapagkat ako ang PANGINOON, at sila'y magiging aking bayan, at ako'y magiging kanilang Diyos sapagkat sila'y manunumbalik sa akin nang buong puso nila. "Ngunit ganito ang sinasabi ng PANGINOON: tulad ng masasamang igos na sa kasamaan ay hindi makakain, gayon ko ituturing si Zedekias na hari ng Juda, ang kanyang mga pinuno, ang nalabi sa Jerusalem na nanatili sa lupaing ito, at ang naninirahan sa lupain ng Ehipto. Gagawin ko silang kasuklam-suklam sa lahat ng mga kaharian sa lupa, upang maging kahiyahiya, usap-usapan, tampulan ng panunuya at sumpa sa lahat ng dakong aking pagtatabuyan sa kanila. Magpapadala ako ng tabak, taggutom, at ng salot, hanggang sa sila'y lubos na malipol sa lupain na ibinigay ko sa kanila at sa kanilang mga ninuno." Ang salita na dumating kay Jeremias tungkol sa buong sambayanan ng Juda, nang ikaapat na taon ni Jehoiakim na anak ni Josias, na hari ng Juda (iyon din ang unang taon ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia), na binigkas ni Jeremias na propeta sa buong sambayanan ng Juda, at sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem, na sinasabi, "Sa loob ng dalawampu't tatlong taon, mula nang ikalabintatlong taon ni Josias, na anak ni Amon, na hari ng Juda, hanggang sa araw na ito, ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, at ako'y matiyagang nagsalita sa inyo, ngunit hindi kayo nakinig. Hindi kayo nakinig ni ikiniling man ang inyong mga tainga upang makinig bagaman patuloy na sinugo ng PANGINOON sa inyo ang lahat niyang mga lingkod na propeta, na nagsasabi, 'Bawat isa sa inyo ay tumalikod mula sa kanyang masamang lakad at masasamang mga gawa, at kayo'y mananatili sa lupain na ibinigay ng PANGINOON sa inyo at sa inyong mga ninuno, mula nang una at hanggang sa magpakailanman. Huwag kayong sumunod sa ibang mga diyos upang paglingkuran at sambahin sila, o galitin ako sa pamamagitan ng gawa ng inyong mga kamay. Kung gayo'y hindi ko kayo gagawan ng masama!' Gayunma'y hindi kayo nakinig sa akin, sabi ng PANGINOON; kaya't ginalit ninyo ako sa pamamagitan ng gawa ng inyong mga kamay tungo sa inyong sariling kapahamakan. "Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: Sapagkat hindi ninyo pinakinggan ang aking mga salita, tatawagin ko ang lahat ng mga lipi sa hilaga, at si Nebukadnezar na hari ng Babilonia, ang aking lingkod. Dadalhin ko sila laban sa lupaing ito at sa mga mamamayan nito, at laban sa lahat ng mga bansang ito sa palibot. Ganap ko silang lilipulin, at gagawin ko silang kasuklamsuklam, pagsisitsitan at isang walang hanggang kakutyaan, sabi ng PANGINOON. Bukod dito'y papawiin ko sa kanila ang tinig ng kasayahan at ang tinig ng katuwaan, ang tinig ng lalaking ikakasal at ang tinig ng babaing ikakasal, ang ingay ng mga batong gilingan, at ang liwanag ng ilawan. Ang buong lupaing ito ay magiging guho at katatakutan; at ang mga bansang ito ay maglilingkod sa hari ng Babilonia sa loob ng pitumpung taon. At pagkalipas ng pitumpung taon, parurusahan ko ang hari ng Babilonia at ang bansang iyon, ang lupain ng mga Caldeo, dahil sa kanilang kasamaan, sabi ng PANGINOON, at gagawin ko iyong wasak magpakailanman. Dadalhin ko sa lupaing iyon ang lahat ng mga salitang aking binitiwan laban doon, ang lahat ng nakasulat sa aklat na ito na inihayag ni Jeremias laban sa lahat ng mga bansa. Sapagkat gagawin din silang mga alipin ng maraming bansa at mga dakilang hari, at gagantihan ko sila ayon sa kanilang mga gawa, at sa gawa ng kanilang mga kamay." Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng Israel, sa akin, "Kunin mo sa aking kamay itong saro ng alak ng poot, at painumin mo ang lahat ng bansa na pinagsuguan ko sa iyo. Sila'y iinom at magpapagiray-giray, at mauulol dahil sa tabak na aking ibibigay sa kanila." Kaya't kinuha ko ang saro mula sa kamay ng PANGINOON, at pinainom ko ang lahat ng mga bansang pinagsuguan sa akin ng PANGINOON: ang Jerusalem at ang mga bayan ng Juda, ang mga hari at mga pinuno nito, upang gawin silang giba, katatakutan, kakutyaan at sumpa gaya ng sa araw na ito; Si Faraon na hari ng Ehipto, ang kanyang mga lingkod, mga pinuno, at ang buong sambayanan niya; at ang lahat ng mga dayuhang kasama nila, ang lahat ng hari sa lupain ng Uz, at ang lahat ng hari sa lupain ng mga Filisteo, (Ascalon, Gaza, at ang Ekron, at ang nalabi sa Asdod); ang Edom, Moab, at ang mga anak ni Ammon; lahat ng mga hari ng Tiro, lahat ng mga hari ng Sidon, at ang mga hari sa baybayin sa kabila ng dagat; ang Dedan, Tema, Buz, at ang lahat ng nagpuputol ng mga sulok ng kanilang buhok; lahat ng mga hari ng Arabia at ang lahat ng mga hari ng halo-halong lipi na naninirahan sa disyerto; lahat ng mga hari ng Zimri, lahat ng mga hari ng Elam, lahat ng mga hari ng Media; lahat ng mga hari sa hilaga, malayo at malapit, na magkakasunod; at ang lahat ng mga kaharian sa daigdig, na nasa ibabaw ng lupa. Pagkatapos nila ang hari ng Sheshach ay iinom. "At iyong sasabihin sa kanila, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kayo'y uminom, magpakalasing, at magsuka. Mabuwal kayo at huwag nang bumangon pa, dahil sa tabak na aking ibibigay sa inyo.' "At kung ayaw nilang tanggapin ang saro sa iyong kamay upang inuman, sasabihin mo nga sa kanila, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: Kailangang uminom kayo! Sapagkat narito, ako'y nagsisimulang gumawa ng kasamaan sa lunsod na tinatawag sa aking pangalan, at kayo ba'y aalis na hindi mapaparusahan? Kayo'y tiyak na parurusahan sapagkat ako'y tumatawag ng tabak laban sa lahat ng naninirahan sa lupa, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo.' "Kaya ikaw ay magsasalita ng mga salitang propesiyang ito laban sa kanilang lahat at sabihin mo sa kanila: 'Ang PANGINOON ay dadagundong mula sa itaas, at ilalakas ang kanyang tinig mula sa kanyang banal na tahanan; siya'y uungol nang malakas laban sa kanyang kawan; siya'y sisigaw, gaya ng mga pumipisa ng ubas, laban sa lahat ng naninirahan sa lupa. Ang ingay ay aabot hanggang sa mga dulo ng lupa; sapagkat ang PANGINOON ay may usapin laban sa mga bansa, siya'y pumapasok sa paghatol kasama ng lahat ng laman. Tungkol sa masasama, sila'y ibibigay niya sa tabak, sabi ng PANGINOON.' "Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: Narito, ang kasamaan ay lumalaganap sa mga bansa at isang malakas na bagyo ay namumuo mula sa pinakamalayong bahagi ng daigdig! "At ang mapapatay ng PANGINOON sa araw na iyon ay magiging mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo. Sila'y hindi tataghuyan, o titipunin, o ililibing man; sila'y magiging dumi sa ibabaw ng lupa. "Humagulhol kayo, mga pastol, at sumigaw; at gumulong kayo sa abo, kayong mga panginoon ng kawan; sapagkat ang mga araw ng pagkatay sa inyo at pangangalat ninyo ay dumating na, at kayo'y babagsak na parang piling sisidlan. Walang daang matatakbuhan ang mga pastol, o pagtakas man para sa mga panginoon ng kawan. Pakinggan ninyo ang sigaw ng mga pastol, at ang hagulhol ng mga panginoon ng kawan! Sapagkat sinisira ng PANGINOON ang kanilang pastulan, at ang payapang mga kulungan ay nasasalanta dahil sa mabangis na galit ng PANGINOON. Gaya ng leon ay iniwan niya ang kanyang kublihan, sapagkat ang kanilang lupain ay nasira dahil sa tabak ng manlulupig, at dahil sa kanyang mabangis na galit." Nang pasimula ng paghahari ni Jehoiakim na anak ni Josias, hari ng Juda, dumating ang salitang ito mula sa PANGINOON, na sinasabi: "Ganito ang sabi ng PANGINOON: Tumayo ka sa bulwagan ng bahay ng PANGINOON at sabihin mo sa lahat ng mga lunsod ng Juda na dumarating upang sumamba sa bahay ng PANGINOON ang lahat ng salita na iniutos ko sa iyo na sabihin sa kanila. Huwag kang magbawas ng kahit isang salita. Marahil ay makikinig sila, at bawat tao ay tatalikod sa kanyang masamang lakad; upang baguhin ko ang aking isip tungkol sa kasamaan na aking pinanukalang gawin dahil sa kanilang masasamang gawa. Sasabihin mo sa kanila, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON: Kung hindi kayo makikinig sa akin, upang lumakad sa aking kautusan na aking inilagay sa harapan ninyo, at pakinggan ang mga salita ng aking mga lingkod na propeta, na kaagad kong sinugo, bagama't hindi ninyo pinakinggan, ay akin ngang gagawing gaya ng Shilo ang bahay na ito, at gagawin kong sumpa ang lunsod na ito para sa lahat ng mga bansa sa lupa.' " At narinig ng mga pari, ng mga propeta, at ng buong bayan si Jeremias na nagsasalita ng mga salitang ito sa bahay ng PANGINOON. Nang matapos si Jeremias sa pagsasalita ng lahat ng iniutos ng PANGINOON sa kanya na sabihin sa buong bayan, dinakip siya ng mga pari, ng mga propeta, at ng buong bayan, na sinasabi, "Ikaw ay tiyak na mamamatay! Bakit ka nagsalita ng propesiya sa pangalan ng PANGINOON, na iyong sinasabi, 'Ang bahay na ito ay magiging gaya ng Shilo, at ang lunsod na ito ay mawawasak, na walang maninirahan?'" At ang lahat ng taong-bayan ay pumalibot kay Jeremias sa bahay ng PANGINOON. Nang mabalitaan ng mga pinuno ng Juda ang mga bagay na ito, sila'y umakyat sa bahay ng PANGINOON mula sa bahay ng hari at sila'y umupo sa pasukan ng Bagong Pintuan ng bahay ng PANGINOON. Nang magkagayo'y nagsalita ang mga pari at ang mga propeta sa mga pinuno at sa buong bayan, na sinasabi, "Ang taong ito ay nararapat sa hatol na kamatayan, sapagkat siya'y nagsalita ng propesiya laban sa lunsod na ito, gaya nang narinig ng inyong mga pandinig." Pagkatapos ay nagsalita si Jeremias sa lahat ng pinuno at sa buong bayan, na sinasabi, "Sinugo ako ng PANGINOON upang magsalita ng propesiya laban sa bahay na ito at laban sa lunsod na ito ng lahat ng mga salita na inyong narinig. Kaya't ngayo'y baguhin ninyo ang inyong mga lakad at mga gawa, at sundin ninyo ang tinig ng PANGINOON ninyong Diyos; at babaguhin ng PANGINOON ang kanyang isip tungkol sa kasamaan na kanyang ipinahayag laban sa inyo. Ngunit tungkol sa akin, narito, ako'y nasa inyong kamay. Gawin ninyo sa akin ang inaakala ninyong mabuti at matuwid sa inyo. Tandaan lamang ninyo na kapag ako'y inyong pinatay, kayo'y magdadala ng walang salang dugo sa inyong sarili at sa lunsod na ito at sa mga mamamayan nito, sapagkat totoong sinugo ako ng PANGINOON sa inyo upang sabihin ang lahat ng mga salitang ito sa inyong mga pandinig." At sinabi ng mga pinuno at ng buong bayan sa mga pari at sa mga propeta, "Ang taong ito ay hindi nararapat sa hatol na kamatayan, sapagkat siya'y nagsalita sa atin sa pangalan ng PANGINOON nating Diyos." Ang ilan sa matatanda ng lupain ay tumindig at nagsalita sa buong kapulungan ng bayan, na nagsasabi, "Si Micaias na Morastita ay nagsalita ng propesiya sa mga araw ni Hezekias na hari ng Juda, at sinabi sa buong bayan ng Juda: 'Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, Ang Zion ay aararuhing parang bukid; ang Jerusalem ay magiging bunton ng mga guho at ang bundok ng bahay ay magiging mataas na dako ng isang gubat.' Ipinapatay ba siya ni Hezekias na hari ng Juda at ng buong Juda? Hindi ba't natakot siya sa PANGINOON at hiniling ang lingap ng PANGINOON, at hindi ba't nagbago ng isip ang PANGINOON tungkol sa kasamaan na kanyang ipinahayag laban sa kanila? Ngunit malapit na tayong magdala ng malaking kasamaan laban sa ating mga sarili." May isa pang lalaki na nagsalita ng propesiya sa pangalan ng PANGINOON, si Urias na anak ni Shemaya na taga Kiryat-jearim. Siya'y nagsalita ng propesiya laban sa lupaing ito sa mga salitang katulad ng kay Jeremias. Nang marinig ni Haring Jehoiakim at ng lahat niyang mga mandirigma, at mga pinuno ang kanyang mga salita, pinagsikapan ng hari na ipapatay siya. Ngunit nang ito'y marinig ni Urias, siya'y natakot, tumakbo, at tumakas patungong Ehipto. At si Haring Jehoiakim ay nagsugo ng mga tauhan sa Ehipto, sina Elnatan na anak ni Acbor, at ilan pang mga kasama niya. Kanilang kinuha si Urias sa Ehipto, at dinala siya kay Haring Jehoiakim, na pumatay sa kanya sa pamamagitan ng tabak at itinapon ang kanyang bangkay sa mga libingan ng karaniwang tao. Ngunit ang kamay ni Ahikam na anak ni Safan ay sumasa kay Jeremias, anupa't hindi siya naibigay sa mga kamay ng taong-bayan upang patayin. Nang pasimula ng paghahari ni Zedekias na anak ni Josias, hari ng Juda, dumating ang salitang ito kay Jeremias mula sa PANGINOON, na sinasabi, Ganito ang sabi ng PANGINOON sa akin: "Gumawa ka para sa iyo ng mga panggapos at mga pamatok, at ilagay mo sa iyong batok. At magpasabi ka sa hari ng Edom, sa hari ng Moab, sa hari ng mga anak ni Ammon, sa hari ng Tiro, at sa hari ng Sidon, sa pamamagitan ng kamay ng mga sugo na nagtungo sa Jerusalem kay Zedekias na hari ng Juda. Ipagbilin mo para sa kanilang mga panginoon na sinasabi: 'Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Ganito ang inyong sasabihin sa inyong mga panginoon: "Ako ang gumawa ng lupa, pati ng tao at hayop na nasa ibabaw ng lupa, sa pamamagitan ng aking dakilang kapangyarihan at nakaunat na bisig; at ibinibigay ko ito sa kaninumang marapatin ko. Ngayon ay ibinigay ko ang lahat ng lupaing ito sa kamay ni Nebukadnezar, ang hari ng Babilonia, na aking lingkod, at ibinigay ko rin sa kanya ang mga hayop sa parang upang maglingkod sa kanya. Lahat ng mga bansa ay maglilingkod sa kanya, sa kanyang anak at sa kanyang apo, hanggang dumating ang panahon ng kanyang sariling lupain; at kung magkagayo'y gagawin siyang alipin ng maraming bansa at ng mga dakilang hari. At mangyayari na alinmang bansa o kaharian na hindi maglilingkod kay Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at hindi maglalagay ng kanilang leeg sa ilalim ng pamatok ng hari ng Babilonia, parurusahan ko ang bansang iyon sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot, sabi ng PANGINOON, hanggang sa malipol ko sila sa pamamagitan ng kanyang kamay. Ngunit tungkol sa iyo, huwag kayong makinig sa inyong mga propeta, sa inyong mga manghuhula, sa inyong mga tagapanaginip, sa inyong mga salamangkero, o sa inyong mga manggagaway, na nagsasalita sa inyo, na sinasabi, 'Hindi kayo maglilingkod sa hari ng Babilonia!' Sapagkat kasinungalingan ang kanilang propesiya sa inyo, upang ilayo kayo sa inyong lupain; at palalayasin ko kayo at kayo'y malilipol. Ngunit ang bansang maglalagay ng kanyang leeg sa ilalim ng pamatok ng hari ng Babilonia at maglilingkod sa kanya, ay hahayaan kong manatili sa kanyang sariling lupain, at kanilang bubungkalin iyon at maninirahan doon, sabi ng PANGINOON." '" Kay Zedekias na hari ng Juda ay nagsalita ako ng mga ganito ring salita, na sinasabi, "Ipailalim ninyo ang inyong mga leeg sa pamatok ng hari ng Babilonia, at inyong paglingkuran siya at ang kanyang sambayanan, at kayo'y mabubuhay. Bakit kayo mamamatay, ikaw at ang iyong bayan sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom at ng salot, gaya ng sinabi ng PANGINOON tungkol sa bansang hindi maglilingkod sa hari ng Babilonia? Kaya't huwag kayong makinig sa mga salita ng mga propeta na nagsasalita sa inyo, na sinasabi, 'Hindi kayo maglilingkod sa hari ng Babilonia,' sapagkat kasinungalingan ang propesiya nila sa inyo. Hindi ko sila sinugo, sabi ng PANGINOON, kundi sila'y nagsasalita ng propesiya na may kasinungalingan sa aking pangalan upang palayasin ko kayo at kayo'y malipol, kayo at ang mga propeta na nagsasalita ng propesiya sa inyo." Pagkatapos ay nagsalita ako sa mga pari at sa buong sambayanang ito, na nagsasabi, "Ganito ang sabi ng PANGINOON: Huwag kayong makinig sa mga salita ng inyong mga propeta na nagsasalita ng propesiya sa inyo, na nagsasabi, 'Narito, ang mga sisidlan ng bahay ng PANGINOON ay malapit nang ibalik mula sa Babilonia,' sapagkat kasinungalingan ang propesiya nila sa inyo. Huwag kayong makinig sa kanila. Maglingkod kayo sa hari ng Babilonia, at kayo'y mabubuhay. Bakit kailangang mawasak ang lunsod na ito? Kung sila'y mga propeta, at kung ang salita ng PANGINOON ay nasa kanila, magsumamo sila ngayon sa PANGINOON ng mga hukbo, upang ang mga sisidlan na naiwan sa bahay ng PANGINOON, at sa bahay ng hari ng Juda, at sa Jerusalem ay huwag mapapunta sa Babilonia. Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo tungkol sa mga haligi, sa tangke ng tubig, tungkol sa mga patungan, at sa iba pang mga kagamitan na naiwan sa lunsod na ito, na hindi tinangay ni Nebukadnezar, na hari ng Babilonia, nang kanyang dalhing bihag mula sa Jerusalem hanggang sa Babilonia si Jeconias na anak ni Jehoiakim na hari ng Juda, pati ang lahat ng maharlika ng Juda at Jerusalem — Oo, ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, tungkol sa mga kagamitang naiwan sa bahay ng PANGINOON, sa bahay ng hari ng Juda, at sa Jerusalem: Ang mga iyon ay dadalhin sa Babilonia at mananatili roon hanggang sa araw na dalawin ko ang mga iyon, sabi ng PANGINOON. Kung magkagayo'y ibabalik ko ang mga iyon at isasauli ko sa dakong ito." Nang taon ding iyon, sa pasimula ng paghahari ni Zedekias na hari ng Juda, sa ikalimang buwan ng ikaapat na taon, si Hananias na anak ni Azur, ang propetang taga-Gibeon, ay nagsalita sa akin sa bahay ng PANGINOON, sa harapan ng mga pari at ng buong bayan, na nagsasabi, "Ganito ang sinasabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Binali ko ang pamatok ng hari ng Babilonia. Sa loob ng dalawang taon ay ibabalik ko sa dakong ito ang lahat ng kagamitan ng bahay ng PANGINOON, na tinangay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia mula sa dakong ito, at dinala sa Babilonia. Ibabalik ko rin sa dakong ito si Jeconias na anak ni Jehoiakim, na hari ng Juda, at ang lahat ng bihag mula sa Juda na pumunta sa Babilonia, sabi ng PANGINOON, sapagkat aking babaliin ang pamatok ng hari ng Babilonia." Nang magkagayo'y nagsalita si propeta Jeremias kay Hananias na propeta sa harapan ng mga pari at ng buong bayan na nakatayo sa bahay ng PANGINOON; at sinabi ni propeta Jeremias, "Amen! Gayon nawa ang gawin ng PANGINOON. Pagtibayin nawa ng PANGINOON ang iyong mga salita na iyong ipinahayag, at ibalik sa lugar na ito mula sa Babilonia ang mga kagamitan ng bahay ng PANGINOON, at ang lahat ng bihag. Gayunma'y pakinggan ninyo ngayon ang mga salitang ito na sasabihin ko sa pandinig mo at sa pandinig ng buong bayan. Ang mga propetang naunasa akin at nauna sa iyo mula nang mga unang panahon ay nagsalita ng propesiya tungkol sa digmaan, taggutom, at salot laban sa maraming bansa at mga makapangyarihang kaharian. Ang propeta na nagpapahayag ng kapayapaan, kapag ang salita ng propetang iyon ay naganap, kung gayon ang propetang iyon ay makikilalang tunay na sinugo ng PANGINOON." Nang magkagayo'y kinuha ng propetang si Hananias ang mga pamatok mula sa leeg ng propetang si Jeremias, at binali ang mga iyon. At si Hananias ay nagsalita sa harapan ng buong bayan, na nagsasabi, "Ganito ang sabi ng PANGINOON: Gayon ko babaliin ang pamatok ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia mula sa leeg ng lahat ng bansa sa loob ng dalawang taon." Pagkatapos nito, si propeta Jeremias ay humayo sa kanyang lakad. Pagkalipas ng ilang panahon pagkatapos na mabali ni propeta Hananias ang pamatok mula sa leeg ni propeta Jeremias, ang salita ng PANGINOON ay dumating kay Jeremias: "Humayo ka at magsalita ka kay Hananias, na sinasabi, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON: Mga pamatok na kahoy ang iyong binali, ngunit pinalitan mo ang mga iyon ng mga pamatok na bakal. Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Ako'y naglagay ng pamatok na bakal sa leeg ng lahat ng mga bansang ito upang sila'y maglingkod kay Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at sila'y maglilingkod sa kanya. At ibinigay ko rin sa kanya ang mga hayop sa parang!'" At sinabi ng propetang si Jeremias kay Hananias na propeta, "Makinig ka, Hananias, hindi ka sinugo ng PANGINOON, kundi iyong pinaasa ang bayang ito sa kasinungalingan. Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON: 'Aalisin kita mula sa ibabaw ng lupa. Mamamatay ka sa taong ito, sapagkat ikaw ay nagsalita ng paghihimagsik laban sa PANGINOON.' " Sa ikapitong buwan nang taon ding iyon, namatay si propeta Hananias. Ito ang mga salita ng sulat na ipinadala ni propeta Jeremias mula sa Jerusalem sa nalabi sa mga matanda sa mga bihag, at sa mga pari, sa mga propeta, at sa lahat ng taong-bayan, na dinalang bihag ni Nebukadnezar sa Babilonia mula sa Jerusalem. Ito ay pagkatapos na makaalis sa Jerusalem si Haring Jeconias, at ang inang reyna, ang mga eunuko, ang mga pinuno ng Juda at Jerusalem, ang mga manggagawa at ang mga panday. Ito ay ipinadala sa pamamagitan ng kamay ni Elasa na anak ni Safan, at ni Gemarias na anak ni Hilkias, na isinugo ni Zedekias na hari ng Juda kay Nebukadnezar na hari ng Babilonia, na sinasabi, "Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, sa lahat ng mga bihag na aking ipinadalang-bihag sa Babilonia mula sa Jerusalem: Magtayo kayo ng mga bahay at inyong tirahan. Kayo'y maghalaman at kainin ninyo ang bunga ng mga iyon. Magsipag-asawa kayo, at maging ama ng mga anak na lalaki at babae. Ikuha ninyo ng mga asawa ang inyong mga anak na lalaki, at inyong ibigay ang inyong mga anak na babae upang mag-asawa, upang magkaanak sila ng mga lalaki at mga babae. Magparami kayo roon at huwag mabawasan. At inyong hanapin ang kapakanan ng lunsod na aking pinagdalhang bihag sa inyo, at inyong idalangin iyon sa PANGINOON, sapagkat sa kapakanan niyon ay magkakaroon kayo ng kapakanan. Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Huwag kayong padadaya sa inyong mga propeta at sa inyong mga manghuhula na kasama ninyo, huwag kayong makikinig sa mga panaginip na kanilang napapanaginip, sapagkat kasinungalingan ang propesiya na sinasabi nila sa inyo sa aking pangalan, hindi ko sila sinugo, sabi ng PANGINOON. "Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON: Kapag naganap na ang pitumpung taon para sa Babilonia, dadalawin ko kayo, at tutuparin ko sa inyo ang aking pangako, at ibabalik ko kayo sa dakong ito. Sapagkat nalalaman ko ang aking mga panukala para sa inyo, sabi ng PANGINOON, mga panukala para sa ikabubuti at hindi sa ikasasama, upang bigyan kayo ng kinabukasan at ng pag-asa. At kayo'y tatawag sa akin, at kayo'y lalapit at dadalangin sa akin, at diringgin ko kayo. Hahanapin ninyo ako at matatagpuan kapag hinanap ninyo ako nang inyong buong puso. Ako'y inyong matatagpuan, sabi ng PANGINOON, at ibabalik ko ang inyong mga kayamanan at titipunin ko kayo mula sa lahat ng mga bansa at sa lahat ng dako na aking pinagtabuyan sa inyo, sabi ng PANGINOON. Ibabalik ko kayo sa dakong pinagkunan ko sa inyo tungo sa pagkabihag. "Sapagkat inyong sinabi, 'Ang PANGINOON ay nagbangon para sa amin ng mga propeta sa Babilonia,' — Ganito ang sabi ng PANGINOON tungkol sa hari na nakaluklok sa trono ni David, at tungkol sa lahat ng taong-bayan na nakatira sa lunsod na ito, ang inyong mga kapatid na hindi nagsilabas na kasama ninyo sa pagkabihag: 'Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: Narito, pararatingin ko sa kanila ang tabak, ang taggutom, at salot, at gagawin ko silang parang masasamang igos na hindi makain dahil sa kabulukan. Hahabulin ko sila ng tabak, tag-gutom, at ng salot, at gagawin ko silang kakutyaan sa lahat ng kaharian sa lupa, upang maging isang sumpa at katatakutan, panunuya, at kahihiyan sa gitna ng lahat ng mga bansa na aking pinagtabuyan sa kanila; sapagkat hindi nila pinakinggan ang aking mga salita, sabi ng PANGINOON, na ako'y maagang bumangon na isinugo sa inyo sa pamamagitan ng mga lingkod kong mga propeta, ngunit ayaw ninyong makinig, sabi ng PANGINOON' — Pakinggan ninyo ang salita ng PANGINOON, kayong lahat na mga bihag, na aking itinaboy sa Babilonia mula sa Jerusalem: 'Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, tungkol kay Ahab na anak ni Kolaias, at tungkol kay Zedekias na anak ni Maasias na nagpapahayag ng kasinungalingan sa inyo sa aking pangalan: Ibibigay ko sila sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at kanyang papatayin sila sa inyong harapan. Dahil sa kanila, ang sumpang ito ay gagamitin ng lahat ng bihag sa Juda na nasa Babilonia: "Gawin ka nawa ng PANGINOON na gaya ni Zedekias at ni Ahab, na inihaw sa apoy ng hari ng Babilonia," sapagkat gumawa sila ng kahangalan sa Israel at sila'y nangalunya sa mga asawa ng kanilang mga kapwa, at bumigkas ng mga salita ng kasinungalingan sa aking pangalan na hindi ko iniutos sa kanila. Ako ang nakakaalam at ako'y saksi, sabi ng PANGINOON!'" Kay Shemaya na taga-Nehelam ay magsasalita ka, na sinasabi, "Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Sapagkat nagpadala ka ng mga sulat sa iyong sariling pangalan sa lahat ng taong nasa Jerusalem, at kay Sefanias na anak ng paring si Maasias, at sa lahat ng mga pari, na iyong sinasabi, 'Ginawa kang pari ng PANGINOON sa halip na si Jehoiada na pari, upang mamahala sa bahay ng PANGINOON sa bawat taong ulol na nagsasalita ng propesiya, upang iyong ilagay siya sa kulungan at tanikala. Ngayon nga'y bakit hindi mo sinaway si Jeremias na taga-Anatot na nagsasalita ng propesiya sa inyo, sapagkat nagpadala siya sa amin sa Babilonia na sinasabi, "Ang inyong pagkabihag ay magtatagal. Kayo'y magtayo ng mga bahay at inyong tirahan. Kayo'y maghalaman at inyong kainin ang bunga ng mga iyon.' " Binasa ng paring si Sefanias ang sulat na ito sa pandinig ni Jeremias na propeta. At dumating ang salita ng PANGINOON kay Jeremias, na sinasabi, "Ikaw ay magsugo sa lahat ng mga bihag, na iyong sabihin, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON tungkol kay Shemaya na taga-Nehelam. Sapagkat nagpahayag si Shemaya sa inyo, gayong hindi ko siya sinugo, at pinaasa kayo sa kasinungalingan, kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON: Narito, parurusahan ko si Shemaya na taga-Nehelam at ang kanyang lahi. Hindi siya magkakaroon ng sinuman na nabubuhay na kasama ng bayang ito na makakakita ng kabutihang gagawin ko sa aking bayan, sapagkat siya'y nagsalita ng paghihimagsik laban sa PANGINOON,' " sabi ng PANGINOON. Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa PANGINOON, na sinasabi, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng Israel: Isulat mo sa isang aklat ang lahat ng mga salita na aking sinabi sa iyo. Sapagkat narito, ang mga araw ay dumarating na aking ibabalik ang mga kayamanan ng aking bayang Israel at Juda, sabi ng PANGINOON. At ibabalik ko rin sila sa lupain na aking ibinigay sa kanilang mga ninuno, at aangkinin nila ito." Ito ang mga salita na sinabi ng PANGINOON tungkol sa Israel at Juda: "Ganito ang sabi ng PANGINOON: Kami ay nakarinig ng sigaw ng pagkasindak, ng takot, at walang kapayapaan. Kayo'y magtanong ngayon, at inyong tingnan, ang lalaki ba ay makakapanganak? Kung gayo'y bakit nakikita ko ang bawat lalaki na ang mga kamay ay nasa kanyang mga balakang na parang babaing manganganak? Bakit ang bawat mukha ay namumutla? Naku! Dakila ang araw na iyon, at walang gaya niyon; iyon ay panahon ng kaguluhan para kay Jacob; gayunma'y maliligtas siya mula roon. "At mangyayari sa araw na iyon, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, na aking babaliin ang pamatok mula sa kanilang leeg, at aking lalagutin ang kanilangs mga gapos at hindi na sila aalipinin pa ng mga dayuhan. Ngunit kanilang paglilingkuran ang PANGINOON nilang Diyos at si David na kanilang hari, na aking ibabangon para sa kanila. "Kaya't huwag kang matakot, O Jacob na aking lingkod, sabi ng PANGINOON; ni manlupaypay, O Israel; sapagkat ililigtas kita mula sa malayo, at ang iyong mga anak mula sa lupain ng kanilang pagkabihag. Ang Jacob ay babalik at magkakaroon ng kapayapaan at kaginhawahan, at walang tatakot sa kanya. Sapagkat ako'y kasama mo upang iligtas ka, sabi ng PANGINOON; lubos kong lilipulin ang lahat ng mga bansa na kung saan ay ikinalat kita, ngunit tungkol sa iyo ay hindi kita lubos na lilipulin. Parurusahan kita nang makatarungang sukat, walang pagsalang hindi kita iiwan na hindi napaparusahan. "Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON: Ang iyong sakit ay wala nang lunas, at ang iyong sugat ay malubha. Walang magtatanggol ng iyong panig, walang gamot para sa iyong sugat, hindi ka na gagaling! Kinalimutan ka na ng lahat mong mangingibig; wala na silang malasakit sa iyo; sapagkat sinugatan kita ng sugat ng isang kaaway, ng parusa ng isang malupit; sapagkat malaki ang iyong paglabag, at ang iyong mga kasalanan ay napakarami. Bakit iniiyakan mo ang iyong sakit? Ang iyong karamdaman ay wala nang lunas. Sapagkat malaki ang iyong paglabag, at ang iyong mga kasalanan ay napakarami, na ginawa ko ang mga bagay na ito sa iyo. Kaya't silang lahat na lumalamon sa iyo ay lalamunin, at lahat mong mga kaaway, bawat isa sa kanila ay pupunta sa pagkabihag; silang nananamsam sa iyo ay magiging samsam, at lahat ng sumisila sa iyo ay ibibigay ko upang masila. Sapagkat panunumbalikin ko sa iyo ang kalusugan, at pagagalingin ko ang iyong mga sugat, sabi ng PANGINOON; sapagkat tinawag ka nilang isang itinakuwil: 'Ito ang Zion, walang nagmamalasakit sa kanya!' "Ganito ang sabi ng PANGINOON: Narito, ibabalik ko ang mga kayamanan ng mga tolda ni Jacob, at kahahabagan ko ang kanyang mga tirahan; ang lunsod ay muling itatayo sa kanyang lugar, at ang palasyo ay tatayo sa dati niyang kinalalagyan. Buhat sa kanila ay magmumula ang mga awit ng pasasalamat, at ang mga tinig ng mga nagdiriwang. Pararamihin ko sila, at sila'y hindi mababawasan; akin silang pararangalan, at sila'y hindi magiging hamak. Ang kanilang mga anak ay magiging gaya nang una, at ang kanilang kapulungan ay matatatag sa harapan ko, at parurusahan ko ang lahat ng umaapi sa kanila. Ang kanilang pinuno ay magiging isa sa kanila, at ang kanilang tagapamahala ay magmumula sa gitna nila; palalapitin ko siya, at siya'y lalapit sa akin, sapagkat sino ang mangangahas na lumapit sa akin? sabi ng PANGINOON. At kayo'y magiging aking bayan, at ako'y magiging inyong Diyos." Narito, ang bagyo ng PANGINOON! Ang poot ay lumabas na, isang paikut-ikot na unos; ito ay sasabog sa ulo ng masama. Ang mabangis na galit ng PANGINOON ay hindi uurong hanggang sa kanyang maigawad at hanggang maisagawa niya ang balak ng kanyang isipan. Sa mga huling araw ay inyong mauunawaan ito. "Sa panahong iyon, sabi ng PANGINOON, ako ang magiging Diyos ng lahat ng angkan ni Israel, at sila'y magiging aking bayan." Ganito ang sabi ng PANGINOON: "Ang mga taong nakaligtas sa tabak ay nakatagpo ng biyaya sa ilang; nang ang Israel ay maghanap ng kapahingahan. Ang PANGINOON ay nagpakita sa kanya mula sa malayo. Inibig kita ng isang walang hanggang pag-ibig, kaya't ipinagpatuloy ko ang aking kagandahang-loob sa iyo. Muli kitang itatayo, at ikaw ay muling maitatayo, O birhen ng Israel! Muli mong gagayakan ang iyong sarili ng mga tamburin, at lalabas ka sa pagsasayaw ng mga nagsasaya. Muli kang magtatanim ng mga ubasan sa mga bundok ng Samaria; ang mga tagapagtanim ay magtatanim, at masisiyahan sa bunga. Sapagkat magkakaroon ng araw na ang mga bantay ay sisigaw sa mga burol ng Efraim: 'Bangon, at tayo'y umahon sa Zion, sa PANGINOON nating Diyos.'" Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON: "Umawit kayo nang malakas na may kagalakan para sa Jacob, at magsihiyaw kayo dahil sa pinuno ng mga bansa; magpahayag, magpuri, at magsabi, 'O PANGINOON, iligtas mo ang iyong bayan, ang nalabi ng Israel.' Narito, dadalhin ko sila mula sa hilagang lupain, at titipunin ko sila mula sa pinakamalayong bahagi ng daigdig. Kasama nila ang bulag at ang pilay, ang babaing may anak at ang malapit nang manganak ay magkakasama; isang malaking pulutong, sila'y babalik rito. Sila'y darating na may iyakan, at may mga pakiusap na papatnubayan ko silang pabalik, palalakarin ko sila sa tabi ng mga batis ng tubig, sa matuwid na daan na hindi nila kakatisuran; sapagkat ako'y ama sa Israel, at ang Efraim ang aking panganay. "Inyong pakinggan ang salita ng PANGINOON, O mga bansa, at inyong ipahayag sa mga pulo sa malayo; inyong sabihin, 'Ang nagpakalat sa Israel ay siyang magtitipon sa kanya, at iingatan siya gaya ng pag-iingat ng pastol sa kanyang kawan.' Sapagkat tinubos ng PANGINOON ang Jacob, at kanyang tinubos siya sa kamay ng higit na malakas kaysa kanya. Sila'y darating at aawit nang malakas sa kaitaasan ng Zion, at sila'y magniningning dahil sa kabutihan ng PANGINOON, dahil sa butil, at sa alak, langis, at dahil sa guya ng kawan at ng bakahan; at ang kanilang buhay ay magiging gaya ng dinilig na halamanan; at sila'y hindi na manlulupaypay pa. Kung magkagayo'y magagalak ang dalaga sa sayawan, at ang mga binata at matatanda ay magsasaya. Gagawin kong kagalakan ang kanilang pagluluksa, aaliwin ko sila at bibigyan ko ng kagalakan sa kanilang kalungkutan. Bubusugin ko ng kasaganaan ang kaluluwa ng mga pari, at ang aking bayan ay masisiyahan sa aking kabutihan, sabi ng PANGINOON." Ganito ang sabi ng PANGINOON, "Isang tinig ang naririnig sa Rama, panaghoy at mapait na pag-iyak. Iniiyakan ni Raquel ang kanyang mga anak; siya'y tumatangging maaliw dahil sa kanyang mga anak, sapagkat sila'y wala na." Ganito ang sabi ng PANGINOON: "Itigil mo ang iyong tinig sa pag-iyak, at ang iyong mga mata sa pagluha; sapagkat gagantimpalaan ang iyong mga gawa, sabi ng PANGINOON; at sila'y babalik mula sa lupain ng kaaway. May pag-asa para sa iyong hinaharap, sabi ng PANGINOON; at ang iyong mga anak ay babalik sa kanilang sariling lupain. Tunay na aking narinig ang Efraim na tumataghoy, 'Pinarusahan mo ako, at ako'y naparusahan na parang guya na hindi pa naturuan; ibalik mo ako upang ako'y mapanumbalik, sapagkat ikaw ang PANGINOON kong Diyos. Sapagkat pagkatapos kong tumalikod ay nagsisi ako; at pagkatapos na ako'y maturuan ay sinugatan ko ang aking hita; ako'y napahiya, at ako'y nalito, sapagkat dinala ko ang kahihiyan ng aking kabataan!' Si Efraim ba'y aking minamahal na anak? Siya ba ang giliw kong anak? Sapagkat kung gaano ako kadalas nagsasalita laban sa kanya, ay gayon ko siya naaalala. Kaya't nasasabik ang aking puso sa kanya; ako'y tiyak na maaawa sa kanya, sabi ng PANGINOON. "Maglagay ka ng mga pananda sa daan para sa iyo, gumawa ka ng mga posteng tanda: ituwid mo ang iyong pag-iisip sa lansangan, ang daan na iyong dinadaanan. Bumalik ka, O birhen ng Israel, bumalik ka rito sa iyong mga lunsod. Hanggang kailan ka magpapabalik-balik, O ikaw na di tapat na anak na babae? Sapagkat ang PANGINOON ay lumikha ng isang bagong bagay sa lupa: ang isang lalaki ay palilibutan ng isang babae." Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: "Minsan pa ay gagamitin nila ang mga salitang ito sa lupain ng Juda at sa mga bayan nito, kapag ibinalik ko ang kanilang mga kayamanan: 'Pagpalain ka ng PANGINOON, O tahanan ng katuwiran, O banal na burol!' Ang Juda at ang lahat ng bayan niya ay magkasamang titira doon, ang mga magbubukid at ang mga gumagala na may mga kawan. Sapagkat aking bibigyang kasiyahan ang pagod na kaluluwa, at bawat nanlulupaypay ay aking pasisiglahin." Mula roo'y nagising ako at tumingin, at ang aking pagkakatulog ay kasiya-siya sa akin. "Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng PANGINOON, na aking hahasikan ang sambahayan ng Israel at ang sambahayan ng Juda ng binhi ng tao at ng binhi ng hayop. At mangyayari, na kung paanong binantayan ko sila upang bunutin, at upang wasakin, upang ibagsak, upang lipulin at dalhan ng kasamaan, gayon ko sila babantayan upang magtayo at magtanim, sabi ng PANGINOON. Sa mga araw na iyon ay hindi na nila sasabihin: 'Ang mga magulang ay kumain ng maaasim na ubas, at ang mga ngipin ng mga anak ay nangingilo.' Ngunit bawat isa ay mamamatay dahil sa kanyang sariling kasamaan; bawat taong kumakain ng maaasim na ubas ay mangingilo ang ngipin. Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng PANGINOON, na ako'y gagawa ng panibagong tipan sa sambahayan ng Israel at sa sambahayan ng Juda, hindi katulad ng tipan na ginawa ko sa kanilang mga ninuno nang kunin ko sila sa pamamagitan ng kamay upang ilabas sila sa lupain ng Ehipto — ang aking tipan na kanilang sinira, bagaman ako'y asawa sa kanila, sabi ng PANGINOON. Ngunit ito ang tipan na aking gagawin sa sambahayan ng Israel pagkatapos ng mga araw na iyon, sabi ng PANGINOON: Ilalagay ko ang aking kautusan sa kanilang kalooban, at aking isusulat iyon sa kanilang mga puso; at ako'y magiging kanilang Diyos at sila'y magiging aking bayan. At hindi na tuturuan ng bawat isa sa kanila ang kanyang kapwa, at ng bawat tao ang kanyang kapatid, na magsasabi, 'Kilalanin mo ang PANGINOON;' sapagkat ako'y makikilala nilang lahat, mula sa pinakahamak sa kanila hanggang sa pinakadakila, sapagkat patatawarin ko ang kanilang kasamaan, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa," sabi ng PANGINOON. Ganito ang sabi ng PANGINOON, na nagbibigay ng araw bilang liwanag sa maghapon, at ng mga takdang kaayusan ng buwan at ng mga bituin bilang liwanag sa gabi, na nagpapakilos sa dagat upang umugong ng mga alon niyon — ang PANGINOON ng mga hukbo ang kanyang pangalan: "Kung ang takdang kaayusan na ito ay humiwalay sa harapan ko, sabi ng PANGINOON, ang binhi ng Israel ay hihinto sa pagiging isang bansa sa harapan ko magpakailanman." Ganito ang sabi ng PANGINOON: "Kung ang mga langit sa itaas ay masusukat, at ang mga saligan ng lupa sa ilalim ay magalugad, akin ngang itatakuwil ang buong lahi ng Israel dahil sa lahat nilang nagawa, sabi ng PANGINOON." "Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng PANGINOON, na ang lunsod ay maitatayo para sa PANGINOON mula sa tore ng Hananel hanggang sa Pintuang-bayan sa Panulukan. At ang panukat na pisi ay lalabas papalayo, tuluy-tuloy sa burol ng Gareb, at pipihit sa Goa. At ang buong libis ng mga bangkay at mga abo, at ang lahat ng parang hanggang sa batis ng Cedron, hanggang sa panulukan ng Pintuang-bayan ng Kabayo patungong silangan ay magiging banal sa PANGINOON. Hindi na ito mabubunot o magigiba kailanman." Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa PANGINOON nang ikasampung taon ni Zedekias na hari ng Juda, na siyang ikalabingwalong taon ni Nebukadnezar. Nang panahong iyon ay kinukubkob ng hukbo ng hari ng Babilonia ang Jerusalem, at si Jeremias na propeta ay nakakulong sa bulwagan ng bantay na nasa palasyo ng hari ng Juda, sapagkat ibinilanggo siya ni Zedekias na hari ng Juda, na sinasabi, "Bakit ka nagsasalita ng propesiya at nagsasabi, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON: Narito, ibibigayko ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Babilonia, at kanyang sasakupin ito. Si Zedekias na hari ng Juda ay hindi makakatakas sa kamay ng mga Caldeo, kundi tiyak na ibibigay sa kamay ng hari ng Babilonia, at siya'y makikipag-usap sa kanya nang mukhaan at makikita siya nang mata sa mata. At kanyang dadalhin si Zedekias sa Babilonia, at siya'y mananatili roon hanggang sa dalawin ko siya, sabi ng PANGINOON; bagaman labanan ninyo ang mga Caldeo, hindi kayo magtatagumpay?'" Sinabi ni Jeremias, "Ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, Narito, si Hanamel na anak ni Shallum na iyong tiyuhin ay darating sa iyo, at magsasabi, 'Bilhin mo ang bukid ko na nasa Anatot, sapagkat mayroon kang karapatan ng pagtubos sa pamamagitan ng pagbili.' Sa gayo'y si Hanamel na anak ng aking tiyuhin ay dumating sa akin sa bulwagan ng bantay ayon sa salita ng PANGINOON, at sinabi sa akin, 'Bilhin mo ang aking bukid na nasa Anatot, sa lupain ng Benjamin, sapagkat mayroon kang karapatan ng pagmamay-ari at ang pagtubos ay nasa iyo; bilhin mo ito para sa iyong sarili!' Nang magkagayo'y nalaman ko na ito'y salita ng PANGINOON. "At binili ko ang bukid na nasa Anatot kay Hanamel na anak ng aking tiyuhin, at tinimbang ko sa kanya ang salapi — labimpitong siklong pilak. Nilagdaan ko ang kasulatan, tinatakan ito, tumawag ng mga saksi, at tinimbang ko sa kanya ang salapi sa timbangan. Pagkatapos ay kinuha ko ang may tatak na kasulatan ng pagkabili na naglalaman ng mga kasunduan at pasubali, at ang bukas na sipi. Ibinigay ko ang kasulatan ng pagkabili kay Baruc na anak ni Nerias, na anak ni Maasias, sa harapan ni Hanamel na anak ng aking tiyuhin, sa harapan ng mga saksi na lumagda sa kasulatan ng pagkabili, at sa harapan ng lahat ng mga Judio na nakaupo sa bulwagan ng bantay. Inatasan ko si Baruc sa harapan nila, na sinasabi, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kunin mo itong natatakang kasulatan ng pagkabili at itong bukas na kasulatan, at iyong ilagay sa sisidlang lupa upang tumagal ang mga ito nang mahabang panahon. Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Muling mabibili sa lupaing ito ang mga bahay, mga bukid, at mga ubasan!' "Pagkatapos na maibigay ko ang kasulatan ng pagkabili kay Baruc na anak ni Nerias, nanalangin ako sa PANGINOON, na sinasabi: 'Ah Panginoong DIYOS! Ikaw ang siyang gumawa ng langit at ng lupa sa pamamagitan ng iyong dakilang kapangyarihan, at sa pamamagitan ng iyong unat na kamay! Walang bagay na napakahirap sa iyo, na nagpapakita ng kagandahang-loob sa mga libu-libo, ngunit pinagbabayad ang kasamaan ng mga magulang sa kanilang mga anak kasunod nila, O dakila at makapangyarihang Diyos. Ang kanyang pangalan ay PANGINOON ng mga hukbo; dakila sa payo at makapangyarihan sa gawa; na ang mga mata ay mulat sa lahat ng lakad ng anak ng mga tao, na ginagantimpalaan ang bawat isa ayon sa kanyang mga lakad, at ayon sa bunga ng kanyang mga gawa. Ikaw ay nagpakita ng mga tanda at mga kababalaghan sa lupain ng Ehipto, at hanggang sa araw na ito sa Israel at sa gitna ng sangkatauhan, at gumawa ka ng pangalan para sa iyong sarili, gaya ng sa araw na ito. Inilabas mo ang iyong bayang Israel sa lupain ng Ehipto sa pamamagitan ng mga tanda at ng mga kababalaghan, ng malakas na kamay, ng unat na bisig, at may malaking kakilabutan; at ibinigay mo sa kanila ang lupaing ito na iyong ipinangako sa kanilang mga ninuno na ibibigay sa kanila, isang lupain na binubukalan ng gatas at pulot. Sila'y pumasok at inangkin nila ito, ngunit hindi nila dininig ang iyong tinig o lumakad man sa iyong kautusan; wala silang ginawa sa lahat ng iyong iniutos na gawin nila. Kaya't pinarating mo sa kanila ang lahat ng kasamaang ito. Narito, ang mga bunton ng pagkubkob ay dumating sa lunsod upang sakupin ito; at dahil sa tabak, taggutom, at salot, ang lunsod ay ibinigay sa kamay ng mga Caldeo na lumalaban dito. Kung ano ang iyong sinabi ay nangyayari; at narito, nakikita mo ito. Sinabi mo sa akin, O Panginoong DIYOS, "Bilhin mo ng salapi ang bukid, at tumawag ka ng mga saksi," — bagaman ang lunsod ay ibinibigay sa kamay ng mga Caldeo.' " At ang salita ng PANGINOON ay dumating kay Jeremias, na sinasabi, "Narito, ako ang PANGINOON, ang Diyos ng lahat ng laman; mayroon bang anumang napakahirap para sa akin? Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON: Ibibigay ko ang lunsod na ito sa kamay ng mga Caldeo at sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at sasakupin niya ito. Ang mga Caldeo na lumalaban sa lunsod na ito ay darating at susunugin ang lunsod na ito, pati ang mga bahay na ang mga bubungan ay kanilang pinaghandugan ng insenso kay Baal at pinagbuhusan ng mga handog na inumin para sa mga ibang diyos, upang ako ay ibunsod sa galit. Sapagkat ang mga anak ng Israel at ang mga anak ng Juda ay walang ginawa kundi kasamaan sa aking paningin mula sa kanilang kabataan. At ang mga anak ng Israel ay walang ginawa kundi ako'y ibunsod sa galit sa pamamagitan ng gawa ng kanilang mga kamay, sabi ng PANGINOON. Tunay na ang lunsod na ito ay pumupukaw ng aking galit at poot, mula sa araw na ito'y itinayo hanggang sa araw na ito, kaya't ito'y aking aalisin sa harap ng aking paningin, dahil sa lahat ng kasamaan ng mga anak ng Israel at ng mga anak ng Juda na kanilang ginawa upang ako ay ibunsod sa galit, sila, ang kanilang mga hari, kanilang mga pinuno, kanilang mga pari, kanilang mga propeta, mga mamamayan ng Juda, at ng mga naninirahan sa Jerusalem. Tinalikuran nila ako, at hindi ang kanilang mukha, at bagaman paulit-ulit ko silang tinuruan ay hindi sila nakinig upang tumanggap ng turo. Kundi inilagay nila ang kanilang mga kasuklamsuklam sa bahay na tinatawag sa aking pangalan, upang ito'y dungisan. At kanilang itinayo ang matataas na dako ni Baal sa libis ng anak ni Hinom, upang ihandog ang kanilang mga anak na lalaki at babae kay Molec, na hindi ko iniutos sa kanila o pumasok man sa aking pag-iisip, na kanilang gawin ang kasuklamsuklam na ito na naging sanhi ng pagkakasala ng Juda. "At ngayon ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng Israel, tungkol sa lunsod na ito na inyong sinasabi, 'Ito'y ibinigay sa kamay ng hari ng Babilonia sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot.' Narito, titipunin ko sila mula sa lahat ng lupain na aking pinagtabuyan sa kanila sa aking galit at sa aking poot, at ibabalik ko sila sa dakong ito, at akin silang patitirahing tiwasay. At sila'y magiging aking bayan, at ako'y magiging kanilang Diyos. Bibigyan ko sila ng isang puso at ng isang daan, upang sila'y matakot sa akin sa lahat ng panahon para sa ikabubuti nila at ng kanilang mga anak kasunod nila. Ako'y gagawa sa kanila ng isang walang hanggang tipan, at hindi ako hihiwalay sa kanila upang gawan sila ng mabuti; at ilalagay ko sa kanilang puso ang pagkatakot sa akin, upang huwag silang humiwalay sa akin. Ako'y magagalak sa kanila na gawan ko sila ng mabuti, at sa katapatan ay itatanim ko sila sa lupaing ito nang aking buong puso at buong kaluluwa. "Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON: Kung paanong aking dinala ang lahat ng malaking kasamaang ito sa bayang ito, gayon ko dadalhin sa kanila ang lahat ng mabuti na aking ipinangako sa kanila. At ang mga bukid ay mabibili sa lupaing ito na iyong sinasabi, Ito ay wasak, walang tao o hayop man; ito ay ibinigay sa kamay ng mga Caldeo. Bibilhin ng salapi ang mga bukid at ang bilihan ay lalagdaan, tatatakan at tatawag ng mga saksi sa lupain ng Benjamin, sa mga lugar sa palibot ng Jerusalem, sa mga lunsod ng Juda at ng lupaing maburol, at sa mga bayan ng Shefela at ng Negeb; sapagkat ibabalik ko ang kanilang kayamanan, sabi ng PANGINOON." JAng salita ng PANGINOON ay dumating sa ikalawang pagkakataon kay Jeremias, habang nakakulong pa siya sa bulwagan ng bantay, na sinasabi, "Ganito ang sabi ng PANGINOON na gumawa ng lupa, ang PANGINOON na nag-anyo nito upang ito'y itatag — ang PANGINOON ang kanyang pangalan: Tumawag ka sa akin, at ako'y sasagot sa iyo, at magsasabi sa iyo ng mga dakila at makapangyarihang bagay na hindi mo nalalaman. Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng Israel, tungkol sa mga bahay ng lunsod na ito, at tungkol sa mga bahay ng mga hari ng Juda na ibinagsak upang gawing sanggalang laban sa mga bunton ng pagkubkob at laban sa tabak: Sila ay dumarating upang labanan ang mga Caldeo at punuin sila ng mga bangkay ng mga tao, na aking papatayin sa aking galit at poot, sapagkat ikinubli ko ang aking mukha sa lunsod na ito dahil sa lahat nilang kasamaan. Narito, dadalhan ko ito ng kalusugan at kagalingan, at pagagalingin ko sila at magpapahayag ako sa kanila ng kasaganaan ng kapayapaan at katotohanan. Ibabalik ko ang mga kayamanan ng Juda at ang mga kayamanan ng Israel, at muli ko silang itatayo na gayananguna. Lilinisin ko sila sa lahat ng kanilang kasamaan na sa pamamagitan nito'y nagkasala sila laban sa akin; at aking patatawarin ang lahat ng kasamaan na sa pamamagitan nito'y naghimagsik sila laban sa akin. At ito sa akin ay magiging isang pangalan ng kagalakan, isang papuri at luwalhati sa harapan ng lahat ng mga bansa sa lupa na makakarinig ng lahat ng mabuti na ginagawa ko para sa kanila. Sila'y matatakot at manginginig dahil sa lahat ng kabutihan at kasaganaan na aking ginagawa para dito. "Ganito ang sabi ng PANGINOON: Sa dakong ito na inyong sinasabi, 'Ito'y wasak, walang tao o hayop,' sa mga bayan ng Juda at mga lansangan ng Jerusalem na sira, na walang naninirahan, tao man o hayop, ay muling maririnig ang tinig ng kagalakan at ang tinig ng kasayahan, ang mga tinig ng lalaking ikakasal at ang tinig ng babaing ikakasal, ang mga tinig ng mga umaawit, habang sila'y nagdadala ng handog na pasasalamat sa bahay ng PANGINOON, 'Kayo'y magpasalamat sa PANGINOON ng mga hukbo, sapagkat ang PANGINOON ay mabuti, sapagkat ang kanyang kagandahang-loob ay nananatili magpakailanman!' Sapagkat aking ibabalik ang mga kayamanan ng lupain gaya nang una, sabi ng PANGINOON. "Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: Sa lugar na itong wasak, na walang tao at walang hayop, at sa lahat ng mga bayan nito, ay magkakaroon muli ng tahanan ng mga pastol na nagpapahinga ng kanilang mga kawan. Sa mga bayan ng maburol na lupain, sa mga bayan ng Shefela at Negeb, sa lupain ng Benjamin, at sa mga lugar sa palibot ng Jerusalem at sa mga bayan ng Juda, ang mga kawan ay muling daraan sa ilalim ng mga kamay ng bumibilang sa kanila, sabi ng PANGINOON. "Narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng PANGINOON, na aking tutuparin ang mabuting bagay na aking sinabi tungkol sa sambahayan ng Israel at sa sambahayan ng Juda. Sa mga araw at panahong iyon, aking pasisibulin para kay David ang isang matuwid na Sanga at siya'y maggagawad ng katarungan at katuwiran sa lupain. Sa mga araw na iyon ay maliligtas ang Juda at ang Jerusalem ay maninirahang tiwasay. At ito ang pangalan na itatawag sa kanya: 'Ang PANGINOON ay ating katuwiran.' "Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON: Si David ay hindi kailanman kukulangin ng lalaki na uupo sa trono ng sambahayan ng Israel; at ang mga paring Levita ay hindi kailanman kukulangin ng lalaki sa harapan ko na mag-aalay ng mga handog na sinusunog, na magsusunog ng mga butil na handog, at maghahandog ng mga alay magpakailanman." Ang salita ng PANGINOON ay dumating kay Jeremias, na sinasabi, "Ganito ang sabi ng PANGINOON: Kung masisira ninyo ang aking tipan sa araw at ang aking tipan sa gabi, anupa't hindi magkakaroon ng araw at ng gabi sa kanilang takdang kapanahunan; kung gayon ang aking tipan kay David na aking lingkod ay masisira din, anupa't siya'y hindi magkakaroon ng anak upang maghari sa kanyang trono, at sa aking tipan sa mga paring Levita na aking mga ministro. Kung paanong ang lahat ng natatanaw sa langit ay hindi mabibilang at ang mga buhangin sa dagat ay di masusukat, gayon ko pararamihin ang binhi ni David na aking lingkod, at ang mga Levita na naglilingkod sa akin." At ang salita ng PANGINOON ay dumating kay Jeremias, na sinasabi, "Hindi mo ba napapansin ang sinalita ng mga taong ito na sinasabi, 'Itinakuwil ng PANGINOON ang dalawang angkan na kanyang pinili?' Ganito nila hinamak ang aking bayan kaya't hindi na sila isang bansa sa kanilang paningin. Ganito ang sabi ng PANGINOON: Kung ang aking tipan sa araw at gabi ay hindi manatili at ang mga panuntunan ng langit at ng lupa ay hindi ko itinatag; ay itatakuwil ko nga ang binhi ni Jacob at ni David na aking lingkod at hindi ako pipili ng isa sa kanyang binhi na mamumuno sa binhi ni Abraham, Isaac, at Jacob. Sapagkat ibabalik ko ang kanilang mga kayamanan at kahahabagan ko sila." Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa PANGINOON, nang si Nebukadnezar na hari ng Babilonia, ang buo niyang hukbo, ang lahat ng kaharian sa daigdig na nasa ilalim ng kanyang kapangyarihan, at ang lahat ng mga bayan ay nakipaglaban sa Jerusalem, at laban sa lahat ng mga lunsod nito, na sinasabi, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng Israel: Humayo ka at magsalita kay Zedekias na hari ng Juda, at sabihin mo sa kanya, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON: Ibinibigay ko ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Babilonia, at susunugin niya ito ng apoy. Hindi ka makakatakas sa kanyang kamay, kundi tiyak na mahuhuli ka at mahuhulog sa kanyang kamay. Makikita mo nang mata sa mata ang hari ng Babilonia, at makikipag-usap sa kanya nang mukhaan, at ikaw ay pupunta sa Babilonia.' Gayunma'y pakinggan mo ang salita ng PANGINOON, O Zedekias, hari ng Juda! Ganito ang sabi ng PANGINOON tungkol sa iyo: 'Ikaw ay hindi mamamatay sa pamamagitan ng tabak. Ikaw ay payapang mamamatay. Kung paanong nagsunog ng kamanyang para sa iyong mga magulang na mga dating hari na una sa iyo, gayon sila magsusunog para sa iyo at kanilang tataghuyan ka, na magsasabi, "Ah panginoon!" ' Sapagkat aking sinabi ang salita, sabi ng PANGINOON." Sinabi ni propeta Jeremias ang lahat ng salitang ito kay Zedekias na hari ng Juda, sa Jerusalem, nang lumalaban ang hukbo ng hari ng Babilonia laban sa Jerusalem, at laban sa lahat ng lunsod ng Juda na nalabi, ang Lakish at Azeka; sapagkat ang mga ito lamang ang mga nalabing mga lunsod na may kuta ng Juda. Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa PANGINOON, pagkatapos na makipagtipan si Haring Zedekias sa lahat ng taong-bayan na nasa Jerusalem upang magpahayag sa kanila ng kalayaan, na dapat palayain ng bawat isa ang kanyang aliping Hebreo, babae o lalaki, upang walang sinumang dapat umalipin sa Judio, na kanyang kapatid. At ang lahat ng pinuno at ang lahat ng taong-bayan ay sumunod at nakipagtipan na bawat isa'y palalayain ang kanyang alipin, lalaki man o babae, at hindi na sila muling aalipinin, sila'y tumalima at pinalaya sila. Ngunit pagkatapos ay bumalik sila, at kinuhang muli ang mga aliping lalaki at babae na kanilang pinalaya, at sila'y muling ipinailalim sa pagkaalipin bilang aliping lalaki at babae. Ang salita ng PANGINOON ay dumating kay Jeremias mula sa PANGINOON, na sinasabi, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng Israel: Ako'y nakipagtipan sa inyong mga ninuno nang sila'y aking inilabas mula sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin, na sinasabi, Sa katapusan ng pitong taon ay palalayain ng bawat isa sa inyo ang kanyang kapwa Hebreo na ipinagbili sa iyo, at naglingkod sa iyo ng anim na taon; dapat mo siyang palayain sa paglilingkod sa iyo.' Ngunit ang inyong mga ninuno ay hindi nakinig sa akin, o ikiniling man ang kanilang pandinig sa akin. Kamakailan lamang ay nagsisi kayo at ginawa ang matuwid sa aking mga mata sa paghahayag ng kalayaan, bawat tao sa kanyang kapwa. At kayo'y nakipagtipan sa harapan ko sa bahay na tinatawag sa aking pangalan. Ngunit kayo'y tumalikod at nilapastangan ang aking pangalan nang kuning muli ng bawat isa sa inyo ang kanyang aliping lalaki at babae na inyong pinalaya sa kanilang nais, at sila'y inyong ipinailalim upang inyong maging mga aliping lalaki at aliping babae. Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON: Kayo'y hindi sumunod sa akin sa pagpapahayag ng kalayaan, bawat isa sa kanyang kapatid at sa kanyang kapwa. Narito, ako'y nagpapahayag sa inyo ng kalayaan tungo sa tabak, sa salot, at sa taggutom, sabi ng PANGINOON. Gagawin ko kayong isang katatakutan sa lahat ng mga kaharian sa daigdig. At ang mga lalaking sumuway sa aking tipan, at hindi tumupad sa mga salita ng tipan na kanilang ginawa sa harapan ko ay gagawin kong gaya ng guya na kanilang hinahati sa dalawa at pinadaraan sa pagitan ng mga bahagi nito — ang mga pinuno ng Juda, ng Jerusalem, mga eunuko, ang mga pari, at ang lahat ng taong-bayan ng lupain na dumaan sa pagitan ng mga bahagi ng guya ay ibibigay ko sa kanilang mga kaaway at sa mga tumutugis sa kanilang buhay. Ang kanilang mga bangkay ay magiging pagkain ng mga ibon sa himpapawid at ng mga hayop sa lupa. Si Zedekias na hari ng Juda at ang kanyang mga pinuno ay ibibigay ko sa kanilang mga kaaway, sa mga tumutugis sa kanilang buhay, at sa hukbo ng hari ng Babilonia na umurong na sa inyo. Ako'y mag-uutos, sabi ng PANGINOON, at ibabalik ko sila sa lunsod na ito; at ito'y kanilang lalabanan, sasakupin, at kanilang susunugin ng apoy. Gagawin kong sira at walang naninirahan ang mga bayan ng Juda." Ang salita na dumating kay Jeremias mula sa PANGINOON sa mga araw ni Jehoiakim na anak ni Josias, na hari ng Juda, na sinasabi, "Pumaroon ka sa bahay ng mga Recabita. Magsalita ka sa kanila at dalhin mo sila sa isa sa mga silid ng bahay ng PANGINOON, at bigyan mo sila ng alak na maiinom." Kaya't kinuha ko si Jaazanias na anak ni Jeremias, na anak ni Habasinias, ang kanyang mga kapatid na lalaki, ang lahat niyang mga anak na lalaki, at ang buong sambahayan ng mga Recabita. Dinala ko sila sa bahay ng PANGINOON, sa silid ng mga anak ni Hanan na anak ni Igdalias, na tao ng Diyos, malapit sa silid ng mga pinuno sa itaas ng silid ni Maasias na anak ni Shallum, na tanod ng pintuan. Aking inilagay sa harapan ng mga anak ng sambahayan ng mga Recabita ang mga mangkok na puno ng alak at ang mga saro, at sinabi ko sa kanila, "Uminom kayo ng alak." Ngunit kanilang sinabi, "Hindi kami iinom ng alak, sapagkat si Jonadab na anak ni Recab, na aming ama ay nag-utos sa amin, 'Huwag kayong iinom ng alak, maging kayo o ang inyong mga anak man, magpakailanman. Huwag din kayong magtatayo ng bahay, ni maghahasik ng binhi, magtatanim o magkakaroon ng ubasan, kundi kayo'y titira sa mga tolda sa lahat ng mga araw ninyo, upang kayo ay mabuhay ng maraming araw sa lupain na inyong tinitirhan.' Sinunod namin ang tinig ni Jonadab na anak ni Recab na aming ama sa lahat ng kanyang iniutos sa amin, na huwag uminom ng alak sa lahat ng aming mga araw, kami at ang aming mga asawa, ang aming mga anak na lalaki o babae man; at huwag kaming magtayo ng mga bahay na aming matitirahan. Wala kaming ubasan, o bukid, o binhi; kundi kami ay nanirahan sa mga tolda, sinunod at ginawa namin ang lahat ng iniutos sa amin ni Jonadab na aming ama. Ngunit nang si Nebukadnezar na hari ng Babilonia ay dumating sa lupain, ay aming sinabi, 'Tayo na, at tayo'y pumunta sa Jerusalem sapagkat nakakatakot ang mga hukbo ng mga Caldeo at mga taga-Siria!' Kaya't kami ay naninirahan sa Jerusalem." At dumating ang salita ng PANGINOON kay Jeremias, na sinasabi, "Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Humayo ka at sabihin mo sa mga tao ng Juda at sa mga naninirahan sa Jerusalem, Hindi ba kayo tatanggap ng turo at makikinig sa aking mga salita? sabi ng PANGINOON. Ang utos na ibinigay ni Jonadab na anak ni Recab sa kanyang mga anak na huwag iinom ng alak ay nasunod; at hindi sila uminom ng alak hanggang sa araw na ito, sapagkat kanilang sinunod ang utos ng kanilang ama. Paulit-ulit akong nagsalita sa inyo ngunit hindi ninyo ako pinakinggan. Aking sinugo sa inyo ang lahat kong lingkod na mga propeta, na bumabangon akong maaga at sinusugo sila na nagsasabi, 'Ngayon ay humiwalay ang bawat isa sa kanyang masamang lakad, baguhin ninyo ang inyong mga gawa, at huwag kayong sumunod sa mga ibang diyos upang maglingkod sa kanila. Kung gayo'y maninirahan kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga ninuno.' Ngunit hindi kayo nakinig o sumunod man sa akin. Tinupad ng mga anak ni Jonadab na anak ni Recab ang utos na ibinigay ng kanilang magulang sa kanila, ngunit hindi ako sinunod ng bayang ito. Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Narito, aking dadalhin sa Juda at sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem ang lahat ng kasamaan na aking binigkas laban sa kanila; sapagkat ako'y nagsalita sa kanila ngunit hindi sila nakinig; ako'y tumawag sa kanila, ngunit hindi sila sumagot." Ngunit sinabi ni Jeremias sa sambahayan ng mga Recabita, "Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Sapagkat inyong sinunod ang utos ni Jonadab na inyong ama, at inyong iningatan ang lahat niyang alituntunin, at inyong ginawa ang lahat ng kanyang iniutos sa inyo; kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Si Jonadab na anak ni Recab ay hindi kukulangin ng anak na tatayo sa harapan ko magpakailanman." Nang ikaapat na taon ni Jehoiakim na anak ni Josias, hari ng Juda, ang salitang ito ay dumating kay Jeremias mula sa PANGINOON, na sinasabi, "Kumuha ka ng isang balumbon, at isulat mo doon ang lahat ng salita na aking sinabi sa iyo laban sa Israel, laban sa Juda, at laban sa lahat ng mga bansa, mula nang araw na magsalita ako sa iyo, mula nang mga araw ni Josias hanggang sa araw na ito. Marahil ay maririnig ng sambahayan ni Juda ang lahat ng kasamaan na aking pinanukalang gawin sa kanila, at humiwalay ang bawat isa sa kanyang masamang lakad, upang aking maipatawad ang kanilang kasamaan at kasalanan." Pagkatapos ay tinawag ni Jeremias si Baruc na anak ni Nerias, at sinulat ni Baruc sa isang balumbon mula sa bibig ni Jeremias ang lahat ng salita ng PANGINOON na sinabi niya sa kanya. At inutusan ni Jeremias si Baruc, na sinasabi, "Ako'y nakakulong. Hindi ako makakapasok sa bahay ng PANGINOON; kaya't pumunta ka, at sa isang araw ng pag-aayuno ay basahin mo sa pandinig ng buong bayan ang mga salita ng PANGINOON mula sa balumbon na iyong pinagsulatan mula sa aking bibig. Babasahin mo rin ang mga ito sa pandinig ng lahat ng mga taga-Juda na lumalabas sa kanilang mga bayan. Marahil ay makakarating ang kanilang karaingan sa harapan ng PANGINOON, at humiwalay ang bawat isa sa kanyang masamang lakad; sapagkat malaki ang galit at poot na binigkas ng PANGINOON laban sa sambayanang ito." Ginawa nga ni Baruc na anak ni Nerias ang ayon sa lahat ng iniutos sa kanya ni Jeremias na propeta tungkol sa pagbasa mula sa balumbon ng mga salita ng PANGINOON sa bahay ng PANGINOON. Nang ikalimang taon ni Jehoiakim na anak ni Josias, hari ng Juda, nang ikasiyam na buwan, lahat ng tao sa Jerusalem, at ang lahat ng taong dumating sa Jerusalem mula sa mga bayan ng Juda ay nagpahayag ng pag-aayuno sa harapan ng PANGINOON. At sa pandinig ng buong bayan ay binasa ni Baruc mula sa balumbon ang mga salita ni Jeremias, sa bahay ng PANGINOON, sa silid ni Gemarias na anak ni Safan na kalihim, na nasa mas mataas na bulwagan sa pasukan ng Bagong Pintuan ng bahay ng PANGINOON. Nang marinig ni Micaya na anak ni Gemarias, na anak ni Safan, ang lahat ng salita ng PANGINOON mula sa balumbon, siya'y bumaba sa bahay ng hari patungo sa silid ng kalihim. Lahat ng mga pinuno ay nakaupo roon: si Elisama na kalihim, si Delaias na anak ni Shemaya, si Elnatan na anak ni Acbor, si Gemarias na anak ni Safan, si Zedekias na anak ni Hananias, at ang lahat ng mga pinuno. Sinabi sa kanila ni Micaya ang lahat ng mga salitang narinig niya nang basahin ni Baruc ang balumbon sa pandinig ng taong-bayan. At sinugo ng lahat ng mga pinuno si Jehudi na anak ni Netanias, na anak ni Shelemias, na anak ni Cushi, upang sabihin kay Baruc, "Kunin mo ang balumbon na iyong binasa sa pandinig ng taong-bayan, at pumarito ka." Kaya't kinuha ni Baruc na anak ni Nerias ang balumbon at pumaroon sa kanila. Sinabi nila sa kanya, "Umupo ka at basahin mo iyan." Binasa naman iyon ni Baruc sa kanila. Nang kanilang marinig ang lahat ng mga salita, sila'y takot na humarap sa isa't isa, at sinabi nila kay Baruc, "Dapat nating iulat ang lahat ng salitang ito sa hari." At kanilang tinanong si Baruc na sinasabi, "Sabihin mo sa amin, paano mo isinulat ang lahat ng salitang ito. Mula ba sa kanyang bibig?" Sumagot si Baruc sa kanila, "Binigkas niya ang lahat ng salitang ito sa akin mula sa kanyang bibig, at isinulat ko naman iyon ng tinta sa balumbon." Nang magkagayo'y sinabi ng mga pinuno kay Baruc, "Umalis ka at magtago, ikaw at si Jeremias, at huwag mong ipaalam kahit kanino ang inyong kinaroroonan." Kaya't sila'y pumasok sa bulwagan nghari, pagkatapos nilang mailagay ang balumbon sa silid ni Elisama na kalihim; at kanilang iniulat ang lahat ng mga salita sa hari. Pagkatapos ay sinugo ng hari si Jehudi upang kunin ang balumbon, at ito'y kanyang kinuha sa silid ni Elisama na kalihim. Ito'y binasa ni Jehudi sa hari at sa lahat ng pinuno na nakatayo sa tabi ng hari. Noon ay ikasiyam na buwan at taglamig at ang hari ay nakaupo sa loob ng bahay at may apoy sa apuyan na nagniningas sa harap niya. Pagkabasa ni Jehudi ng tatlo o apat na hanay, ang mga iyon ay pinuputol ng hari sa pamamagitan ng patalim at inihahagis sa apoy na nasa apuyan, hanggang sa ang buong balumbon ay natupok sa apoy na nasa apuyan. Gayunman, maging ang hari o alinman sa kanyang mga lingkod na nakarinig ng lahat ng mga salitang ito ay hindi natakot o pinunit man ang kanilang mga suot. Kahit nakiusap sina Elnatan, Delaias, at Gemarias sa hari na huwag sunugin ang balumbon, ay ayaw niyang makinig sa kanila. At iniutos ng hari kina Jerameel na anak ng hari, kay Seraya na anak ni Azriel, at kay Shelemias na anak ni Abdeel na hulihin si Baruc na kalihim at si Jeremias na propeta. Ngunit ikinubli sila ng PANGINOON. Pagkatapos na masunog ng hari ang balumbon na sinulatan ni Baruc ng mga salitang mula sa bibig ni Jeremias, ang salita ng PANGINOON ay dumating kay Jeremias, na sinasabi, "Kumuha kang muli ng isa pang balumbon at isulat mo roon ang lahat ng dating salita na nasa unang balumbon na sinunog ni Jehoiakim na hari ng Juda. At tungkol kay Jehoiakim na hari ng Juda ay iyong sasabihin, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON, Sinunog mo ang balumbon na ito, na iyong sinasabi, "Bakit mo isinulat doon na ang hari ng Babilonia ay tiyak na darating at wawasakin ang lupaing ito, at pupuksain doon ang tao at ang hayop?" Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON, tungkol kay Jehoiakim na hari ng Juda, Siya'y mawawalan ng uupo sa trono ni David, at ang kanyang bangkay ay itatapon sa labas sa kainitan ng araw at sa hamog ng gabi. Parurusahan ko siya, ang kanyang binhi, at ang kanyang mga lingkod dahil sa kanilang kasamaan. At aking dadalhin sa kanila, sa mga naninirahan sa Jerusalem, at sa mga tao ng Juda, ang lahat ng kasamaan na aking binigkas laban sa kanila, ngunit ayaw nilang makinig.' " Kaya't kumuha si Jeremias ng isa pang balumbon, at ibinigay ito kay Baruc na kalihim, na anak ni Nerias, na sumulat doon mula sa bibig ni Jeremias ng lahat ng mga salita na nasa balumbon na sinunog sa apoy ni Jehoiakim na hari ng Juda; at marami pang katulad na mga salita ang idinagdag doon. Si Zedekias na anak ni Josias na ginawang hari sa lupain ng Juda ni Haring Nebukadnezar ng Babilonia, ay naghari sa halip na si Conias na anak ni Jehoiakim. Ngunit siya, ang kanyang mga lingkod, at ang mamamayan ng lupain ay hindi nakinig sa mga salita ng PANGINOON na kanyang sinalita sa pamamagitan ni propeta Jeremias. Sinugo ni Haring Zedekias si Jehucal na anak ni Shelemias, at si Sefanias na anak ni Maasias na pari, kay Jeremias na propeta, na sinasabi, "Idalangin mo kami sa PANGINOON nating Diyos." Si Jeremias noon ay naglalabas pasok pa rin sa gitna ng bayan, sapagkat hindi pa siya inilalagay sa bilangguan. Samantala, ang hukbo ni Faraon ay lumabas sa Ehipto; at nang mabalitaan ang tungkol sa kanila ng mga Caldeo na noon ay kumukubkob sa Jerusalem, sila'y umurong mula sa Jerusalem. Nang magkagayo'y dumating ang salita ng PANGINOON kay propeta Jeremias, na sinasabi, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng Israel: Ganito ang inyong sasabihin sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo sa akin upang sumangguni sa akin, Ang hukbo ni Faraon na lumabas upang tulungan kayo ay pabalik na sa Ehipto na kanilang sariling lupain. At ang mga Caldeo ay babalik upang labanan ang lunsod na ito. Ito'y kanilang sasakupin at susunugin ng apoy. Ganito ang sabi ng PANGINOON, Huwag ninyong dayain ang inyong sarili sa pagsasabing, "Ang mga Caldeo ay tiyak na lalayo sa atin," sapagkat hindi sila lalayo. Sapagkat kahit magapi ninyo ang buong hukbo ng mga Caldeo na lumalaban sa inyo, at ang natira lamang sa kanila ay mga lalaking sugatan sa kanya-kanyang tolda, babangon sila at susunugin ng apoy ang lunsod na ito.'" Nangyari nang ang hukbo ng mga Caldeo ay makaurong na mula sa Jerusalem nang papalapit ang hukbo ni Faraon, si Jeremias ay lumabas sa Jerusalem upang pumasok sa lupain ng Benjamin, upang tanggapin roon ang kanyang bahagi kasama ng bayan. Nang siya'y nasa Pintuan ng Benjamin, isang bantay na ang pangalan ay Irias na anak ni Shelemias, na anak ni Hananias ang naroroon. Dinakip niya si propeta Jeremias, na sinasabi, "Ikaw ay papunta sa panig ng mga Caldeo." At sinabi ni Jeremias, "Kasinungalingan, hindi ako pumupunta tungo sa panig ng mga Caldeo." Ngunit hindi siya pinakinggan ni Irias at kanyang dinakip si Jeremias at dinala sa mga pinuno. Nagalit ang mga pinuno kay Jeremias at kanilang binugbog siya at ikinulong sa bahay ni Jonathan na kalihim, na ginawa na nilang bilangguan. Nang si Jeremias ay makapasok sa piit ang nasa ilalim ng lupa at manatili roon ng maraming araw, ipinatawag siya ni Haring Zedekias at tinanggap siya. Palihim siyang tinanong ng hari sa kanyang bahay, at nagsabi, "Mayroon bang anumang salita mula sa PANGINOON?" Sinabi ni Jeremias, "Mayroon." At sinabi niya, "Ikaw ay ibibigay sa kamay ng hari ng Babilonia." Sinabi rin ni Jeremias kay Haring Zedekias, "Anong kasalanan ang nagawa ko laban sa iyo, sa iyong mga lingkod, o sa bayang ito upang ilagay ninyo ako sa bilangguan? Nasaan ang inyong mga propeta na nagsalita ng propesiya sa inyo, na nagsasabi, 'Ang hari ng Babilonia ay hindi darating laban sa inyo o laban man sa lupaing ito?' Ngayon nga'y pakinggan mo, hinihiling ko sa iyo, O panginoon kong hari: tanggapin mo ang aking pakiusap sa harapan mo na huwag mo akong pabalikin sa bahay ni Jonathan na kalihim, baka mamatay ako roon." Kaya't nag-utos si Haring Zedekias, at kanilang dinala si Jeremias sa himpilan ng mga bantay. Kanilang binigyan siya ng isang pirasong tinapay araw-araw mula sa lansangan ng mga magtitinapay, hanggang sa maubos ang lahat ng tinapay sa lunsod. Kaya't nanatili si Jeremias sa himpilan ng mga bantay. At narinig ni Shefatias na anak ni Matan, ni Gedalias na anak ni Pashur, ni Jehucal na anak ni Shelemias, at ni Pashur na anak ni Malkias ang mga salitang binibigkas ni Jeremias sa buong bayan, na sinasabi, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, Ang mananatili sa lunsod na ito ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot; ngunit ang lalabas patungo sa mga Caldeo ay mabubuhay, at ang kanyang buhay ay tataglayin niya bilang gantimpala ng digmaan, at siya'y mabubuhay. Ganito ang sabi ng PANGINOON, Ang lunsod na ito ay tiyak na ibibigay sa kamay ng hukbo ng hari ng Babilonia at masasakop." Nang magkagayo'y sinabi ng mga pinuno sa hari, "Patayin ang lalaking ito, sapagkat pinahihina niya ang mga kamay ng mga kawal na naiwan sa lunsod na ito, at ang mga kamay ng buong bayan, sa pagsasalita ng gayong mga salita sa kanila. Sapagkat hindi hinahanap ng lalaking ito ang kapakanan ng bayang ito, kundi ang kanilang kapahamakan." At sinabi ni Haring Zedekias, "Narito, siya'y nasa inyong mga kamay; sapagkat ang hari ay walang magagawang anuman laban sa inyo." Kaya't kanilang dinakip si Jeremias at inihulog siya sa balon ni Malkias na anak ng hari, na nasa himpilan ng mga bantay, sa pamamagitan ng pagbababa kay Jeremias sa pamamagitan ng mga lubid. Noon ay walang tubig sa balon, kundi burak lamang at lumubog si Jeremias sa burak. Narinig ni Ebed-melec na isang eunuko na taga-Etiopia, na noon ay nasa bahay ng hari, na kanilang inilagay si Jeremias sa balon. Ang hari noo'y nakaupo sa Pintuan ng Benjamin. Kaya't si Ebed-melec ay lumabas sa bahay ng hari, at nagsalita sa hari, na sinasabi, "Panginoon kong hari, ang mga lalaking ito ay gumawa ng kasamaan sa lahat ng kanilang ginawa kay Jeremias na propeta sa pamamagitan ng paghuhulog sa kanya sa balon. Siya'y mamamatay doon sa gutom, sapagkat wala nang tinapay sa lunsod." Nang magkagayo'y iniutos ng hari kay Ebed-melec na taga-Etiopia, "Magsama ka mula rito ng tatlong lalaki at iahon mo si Jeremias na propeta mula sa balon bago siya mamatay." Sa gayo'y nagsama ng mga lalaki si Ebed-melec at pumasok sa bahay ng hari, sa taguan ng damit sa bodega at kumuha roon ng mga lumang basahan at mga lumang damit, at kanilang ibinaba sa hukay sa pamamagitan ng mga lubid kay Jeremias. Sinabi ni Ebed-melec na taga-Etiopia kay Jeremias, "Ilagay mo ang mga basahan at lumang damit na ito sa pagitan ng iyong kilikili at ng mga lubid." Gayon nga ang ginawa ni Jeremias. Kanilang iniahon si Jeremias sa pamamagitan ng mga lubid at itinaas siya mula sa balon. At si Jeremias ay nanatili sa himpilan ng bantay. Ipinatawag ni Haring Zedekias si Jeremias na propeta at tinanggap siya sa ikatlong pasukan ng bahay ng PANGINOON. Sinabi ng hari kay Jeremias, "Magtatanong ako sa iyo at huwag kang maglihim ng anuman sa akin." Sinabi ni Jeremias kay Zedekias, "Kung sasabihin ko sa iyo, hindi ba tiyak na ipapapatay mo ako? At kung bigyan kita ng payo, hindi ka naman makikinig sa akin." Si Zedekias ay lihim na sumumpa kay Jeremias, "Habang buhay ang PANGINOON na nagbigay sa atin ng buhay, hindi kita ipapapatay o ibibigay man kita sa kamay ng mga lalaking ito na nagtatangka sa iyong buhay." Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias kay Zedekias, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, Kung ikaw ay susuko sa mga pinuno ng hari ng Babilonia, maliligtas ang iyong buhay at ang lunsod na ito ay hindi masusunog ng apoy; at ikaw at ang iyong sambahayan ay mabubuhay. Ngunit kung hindi ka susuko sa mga pinuno ng hari ng Babilonia, ibibigay ang lunsod na ito sa kamay ng mga Caldeo, ito'y kanilang susunugin ng apoy, at ikaw ay hindi makakatakas sa kanilang kamay." Sinabi ni Haring Zedekias kay Jeremias, "Ako'y natatakot sa mga Judio na kumampi sa mga Caldeo, baka ako'y ibigay nila sa kanilang kamay at kanila akong pagmalupitan." Sinabi ni Jeremias, "Hindi ka ibibigay sa kanila. Sundin mo ngayon ang tinig ng PANGINOON tungkol sa aking sinasabi sa iyo. Ikaw ay mapapabuti at ang iyong buhay ay maliligtas. Ngunit kung ayaw mong sumuko, ito ang pangitaing ipinakita sa akin ng PANGINOON: Narito, lahat ng babaing naiwan sa bahay ng hari ng Juda ay inilalabas patungo sa mga pinuno ng hari ng Babilonia, at sila ay nagsasabi, 'Dinaya ka ng iyong malalapit na kaibigan, at nagtagumpay laban sa iyo; ngayong ang iyong mga paa ay nakalubog sa burak, sila'y lumayo sa iyo.' Lahat ng mga asawa mo at ang iyong mga anak ay dadalhin din sa mga Caldeo, at hindi ka makakatakas sa kanilang kamay, kundi ikaw ay bibihagin ng hari ng Babilonia; at ang lunsod na ito ay susunugin ng apoy." Nang magkagayo'y sinabi ni Zedekias kay Jeremias, "Huwag mong ipaalam kaninuman ang mga salitang ito, at hindi ka mamamatay. Kung mabalitaan ng mga pinuno na ako'y nakipag-usap sa iyo at sila'y pumarito at sabihin sa iyo, 'Sabihin mo sa amin kung ano ang sinabi mo sa hari at kung anong sinabi ng hari sa iyo, huwag kang maglilihim ng anuman sa amin at hindi ka namin ipapapatay,' iyong sasabihin sa kanila, 'Ako'y mapagpakumbabang nakiusap sa hari na huwag niya akong pabalikin sa bahay ni Jonathan, upang mamatay doon.'" Dumating ang lahat ng pinuno kay Jeremias at tinanong siya. Kanyang sinagot sila ayon sa itinuro sa kanya ng hari. Kaya't huminto na sila sa pakikipag-usap sa kanya; sapagkat ang pag-uusap ay hindi narinig. At nanatili si Jeremias sa himpilan ng bantay hanggang sa araw na masakop ang Jerusalem. Nang ikasiyam na taon ni Zedekias na hari ng Juda, nang ikasampung buwan, dumating si Nebukadnezar, hari ng Babilonia at ang kanyang buong hukbo laban sa Jerusalem at kinubkob ito; nang ikalabing-isang taon ni Zedekias, nang ikaapat na buwan, nang ikasiyam na araw ng buwan, nagkaroon ng butas sa lunsod. At ang lahat ng mga pinuno ng hari ng Babilonia ay dumating at umupo sa gitnang pintuan: sina Nergal-sarezer, Samgar-nebo, Sar-sechim ang Rabsaris, Nergal-sarezer ang Rab-mag, at ang iba pa sa mga pinuno ng hari ng Babilonia. Nang makita sila ni Zedekias na hari ng Juda at ng lahat ng mga kawal, sila ay tumakas at lumabas sa lunsod nang kinagabihan sa may halamanan ng hari papalabas sa pintuan sa pagitan ng dalawang pader, at siya'y lumabas patungo sa Araba. Ngunit hinabol sila ng hukbo ng mga Caldeo, at inabutan si Zedekias sa mga kapatagan ng Jerico. Nang kanilang mahuli siya, siya'y kanilang dinala kay Nebukadnezar na hari ng Babilonia, sa Ribla, sa lupain ng Hamat, at kanyang hinatulan siya. Pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak ni Zedekias sa Ribla sa kanyang harapan. Pinatay rin ng hari ng Babilonia ang lahat ng mga taong maharlika ng Juda. Dinukot niya ang mga mata ni Zedekias at siya'y ginapos ng tanikala upang dalhin sa Babilonia. Sinunog ng mga Caldeo ang bahay ng hari at ang mga bahay ng mga taong-bayan, at ibinagsak ang mga pader ng Jerusalem. Pagkatapos ay dinalang bihag ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay patungong Babilonia ang nalabi sa mga tao na naiwan sa lunsod, yaong mga pumanig sa kanya at ang mga taong naiwan. Ngunit iniwan ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay ang ilan sa mga dukha sa lunsod na walang ari-arian, at binigyan sila ng mga ubasan at mga bukid sa panahon ding iyon. Si Nebukadnezar na hari ng Babilonia ay nag-utos kay Nebuzaradan, na kapitan ng bantay tungkol kay Jeremias, na sinasabi, "Kunin mo siya, ingatan mong mabuti at huwag siyang saktan, kundi gawin mo sa kanya ang kanyang sasabihin sa iyo." Sa gayo'y si Nebuzaradan na kapitan ng bantay, si Nabusazban ang Rabsaris, si Nergal-sarezer ang Rab-mag, at lahat ng mga pangunahing pinuno ng hari ng Babilonia ay nagsugo at kinuha si Jeremias sa himpilan ng bantay. Kanilang ipinagkatiwala siya kay Gedalias na anak ni Ahikam, na anak ni Safan, upang kanyang iuwi siya. Sa gayo'y nanirahan siyang kasama ng taong-bayan. Ang salita ng PANGINOON ay dumating kay Jeremias samantalang siya'y nakakulong sa himpilan ng bantay, na sinasabi, "Humayo ka at sabihin mo kay Ebed-melec na taga-Etiopia, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Tutuparin ko ang aking mga salita laban sa lunsod na ito sa ikasasama at hindi sa ikabubuti, at ang mga iyon ay matutupad sa harapan mo sa araw na iyon. Ngunit ililigtas kita sa araw na iyon, at hindi ka ibibigay sa kamay ng mga lalaking iyong kinatatakutan, sabi ng PANGINOON. Sapagkat tiyak na ililigtas kita, at ikaw ay hindi ibubuwal ng tabak, kundi tataglayin mo ang iyong buhay bilang gantimpala ng digmaan, sapagkat nagtiwala ka sa akin, sabi ng PANGINOON.'" Ang salita ay dumating kay Jeremias mula sa PANGINOON pagkatapos na siya'y palayain mula sa Rama ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay, nang siya'y dalhing may tanikala kasama ng lahat ng bihag mula sa Jerusalem at sa Juda na dinalang bihag sa Babilonia. Kinuha si Jeremias ng kapitan ng bantay, at sinabi sa kanya, "Ang PANGINOON mong Diyos ang nagpahayag ng kasamaang ito laban sa lugar na ito; pinapangyari ng PANGINOON at ginawa ang ayon sa kanyang sinabi sapagkat kayo'y nagkasala laban sa PANGINOON at hindi sinunod ang kanyang tinig. Kaya't ang bagay na ito ay dumating sa inyo. At ngayon, narito, pinalalaya kita ngayon sa mga tanikalang nasa iyong mga kamay. Kung inaakala mong mabuti na sumama sa akin sa Babilonia, halika, at kakalingain kita. Ngunit kung inaakala mong masama na sumama sa akin sa Babilonia ay huwag kang sumama. Ang buong lupain ay nasa harapan mo. Pumunta ka kung saan mo inaakalang mabuti at marapat sa iyo na puntahan. Kung ikaw ay mananatili, bumalikka kay Gedalias na anak ni Ahikam na anak ni Safan, na ginawa ng hari ng Babilonia na tagapamahala sa mga bayan ng Juda, at manirahang kasama niya, kasama ng taong-bayan, o pumunta ka kung saan mo inaakalang mabuting puntahan." At binigyan siya ng kapitan ng bantay ng pagkain at kaloob at hinayaan siyang umalis. Pagkatapos ay pumunta si Jeremias kay Gedalias na anak ni Ahikam, sa Mizpa, at nanirahang kasama niya kasama ng mga taong-bayang naiwan sa lupain. Nang mabalitaan ng lahat ng pinuno ng mga kawal at ng kanilang mga tauhan na nasa mga parang na ginawang tagapamahala ng lupain ng hari ng Babilonia si Gedalias na anak ni Ahikam, at ipinamahala sa kanya ang mga lalaki, mga babae, mga bata, at ang mga pinakadukha sa lupain na hindi nadalang bihag sa Babilonia, sila at ang kanilang mga tauhan ay pumunta kay Gedalias sa Mizpa, sina Ismael na anak ni Netanias, si Johanan na mga anak ni Carea, si Seraya na anak ni Tanhumat, ang mga anak ni Ephi na Netofatita, at si Jezanias na anak ng Maacatita. Si Gedalias na anak ni Ahikam na anak ni Safan ay sumumpa sa kanila at sa kanilang mga tauhan, na sinasabi, "Huwag kayong matakot na maglingkod sa mga Caldeo. Manirahan kayo sa lupain at paglingkuran ninyo ang hari ng Babilonia, at ito'y sa ikabubuti ninyo. Tungkol sa akin, ako'y maninirahan sa Mizpa, upang tumayo para sa inyo sa harapan ng mga Caldeo na darating sa atin. Ngunit tungkol sa inyo, magtipon kayo ng alak at ng mga bunga sa tag-init at ng langis, at inyong ilagay sa inyong mga sisidlan, at kayo'y manirahan sa inyong mga bayan na inyong sinakop." Gayundin, nang mabalitaan ng lahat ng Judio na nasa Moab at kasama ng mga anak ni Ammon at sa Edom at ng nasa ibang mga lupain, na ang hari ng Babilonia ay nag-iwan ng nalabi sa Juda, at hinirang si Gedalias na anak ni Ahikam, na anak ni Safan, upang mamahala sa kanila, ay bumalik ang lahat ng mga Judio mula sa lahat ng dakong pinagtabuyan sa kanila, at dumating sa lupain ng Juda, kay Gedalias sa Mizpa, at sila'y nagtipon ng napakaraming alak at mga bunga sa tag-araw. Samantala, si Johanan na anak ni Carea at ang lahat ng mga pinuno ng mga kawal na nasa mga parang ay pumunta kay Gedalias sa Mizpa, at sinabi sa kanya, "Nalalaman mo ba na sinugo ni Baalis na hari ng mga anak ni Ammon si Ismael na anak ni Netanias upang kunin ang iyong buhay?" Ngunit si Gedalias na anak ni Ahikam ay ayaw maniwala sa kanila. Kaya't lihim na nakipag-usap si Johanan na anak ni Carea kay Gedalias sa Mizpa, "Hayaan mo akong umalis at patayin si Ismael na anak ni Netanias, at walang makakaalam nito. Bakit ka niya kailangang patayin, upang ang lahat ng mga Judio na nasa palibot mo ay mangalat, at malipol ang nalabi sa Juda?" Ngunit sinabi ni Gedalias na anak ni Ahikam kay Johanan na anak ni Carea, "Huwag mong gagawin ang bagay na ito; sapagkat ikaw ay nagsasalita ng kasinungalingan tungkol kay Ismael." Nang ikapitong buwan, si Ismael na anak ni Netanias, na anak ni Elisama, mula sa angkan ng hari, at isa sa mga pangunahing pinuno ng hari, ay dumating kay Gedalias na anak ni Ahikam sa Mizpa, kasama ang sampung lalaki. Habang magkakasama silang kumakain ng tinapay sa Mizpa, si Ismael na anak ni Netanias at ang sampung lalaki na kasama niya ay tumayo, tinaga ng tabak at pinatay si Gedalias na anak ni Ahikam na anak ni Safan, na ginawa ng hari ng Babilonia na tagapamahala sa lupain. Pinatay rin ni Ismael ang lahat ng mga Judio na kasama ni Gedalias sa Mizpa, at ang mga kawal na Caldeo na nagkataong naroroon. Isang araw pagkaraan ng pagpatay kay Gedalias, bago ito nalaman ng sinuman, walumpung mga lalaki ang dumating mula sa Shekem, mula sa Shilo, at mula Samaria, na ahit ang kanilang balbas at punit ang kanilang suot, sugatan ang katawan, na may dalang handog na butil at insenso upang ialay sa bahay ng PANGINOON. Si Ismael na anak ni Netanias ay lumabas mula sa Mizpa upang salubungin sila, na umiiyak habang papalapit. Nang kanyang makaharap sila, sinabi niya sa kanila, "Pumunta kayo kay Gedalias na anak ni Ahikam." Nang sila'y dumating sa bayan, pinatay sila ni Ismael na anak ni Netanias at ng mga lalaking kasama niya, at inihagis sila sa isang hukay. Ngunit may sampung lalaki na kasama nila ang nagsabi kay Ismael, "Huwag mo kaming patayin sapagkat kami ay nakapag-imbak ng trigo, sebada, langis, at pulot na nakatago sa parang." Kaya't napahinuhod siya at hindi niya pinatay sila at ang kanilang mga kasama. Ang hukay na pinagtapunan ni Ismael ng lahat ng bangkay ng mga tao na kanyang pinatay ay ang malaking hukay na ginawa ni Haring Asa bilang sanggalang laban kay Baasa na hari ng Israel. Ito ay pinuno ni Ismael na anak ni Netanias ng mga napatay. At dinalang bihag ni Ismael ang lahat ng nalabi sa taong-bayan na nasa Mizpa, ang mga anak na babae ng hari at ang lahat ng taong naiwan sa Mizpa, na siyang ipinagkatiwala ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay kay Gedalias na anak ni Ahikam. Sila'y dinalang bihag ni Ismael na anak ni Netanias, at naghandang tumawid patungo sa mga Ammonita. Ngunit nang mabalitaan ni Johanan na anak ni Carea, at ng lahat ng mga pinuno ng mga kawal na kasama niya ang lahat ng kasamaang ginawa ni Ismael na anak ni Netanias, ay isinama nila ang lahat nilang mga tauhan upang lumaban kay Ismael na anak ni Netanias. Kanilang inabutan siya sa tabi ng malaking bukal na nasa Gibeon. At nangmakitang lahat ng mga taong kasama ni Ismael si Johanan na anak ni Carea at ang lahat ng pinuno ng mga kawal na kasama niya, sila'y natuwa. Kaya't ang lahat ng mga taong dinalang bihag ni Ismael mula sa Mizpa ay pumihit at bumalik, at pumunta kay Johanan na anak ni Carea. Ngunit si Ismael na anak ni Netanias ay tumakas mula kay Johanan na kasama ng walong lalaki, at pumunta sa mga Ammonita. Nang magkagayo'y kinuha ni Johanan na anak ni Carea at ng lahat ng mga pinuno ng mga kawal na kasama niya ang lahat ng nalabi sa bayan na dinalang bihag ni Ismael na anak ni Netanias mula sa Mizpa pagkatapos niyang mapatay si Gedalias na anak ni Ahikam — ang mga kawal, mga babae, mga bata, at ang mga eunuko na ibinalik ni Johanan mula sa Gibeon. At sila'y umalis at huminto sa Geruth Chimham, na malapit sa Bethlehem, na nagbabalak pumunta sa Ehipto, dahil sa mga Caldeo; sapagkat sila'y takot sa kanila, sapagkat pinatay ni Ismael na anak ni Netanias si Gedalias na anak ni Ahikam na ginawa ng hari ng Babilonia na tagapamahala sa lupain. At ang lahat ng mga pinuno ng mga kawal, pati sina Johanan na anak ni Carea, si Jezanias na anak ni Hoshaias, at ang buong bayan mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila ay lumapit, at nagsabi kay Jeremias na propeta, "Pakinggan mo sana ang samo namin sa iyo, at idalangin mo kami sa PANGINOON mong Diyos, para sa lahat ng nalabing ito. Sapagkat kakaunti lamang kaming naiwan mula sa marami gaya ng nakikita ng iyong sariling mga mata. Ipakita nawa sa amin ng PANGINOON mong Diyos ang daan na dapat naming lakaran, at ang bagay na dapat naming gawin." Nang magkagayo'y sinabi ng propetang si Jeremias sa kanila, "Narinig ko kayo. Narito, mananalangin ako sa PANGINOON ninyong Diyos ayon sa inyong sinabi, at anumang isagot ng PANGINOON sa inyo ay sasabihin ko sa inyo. Wala akong ililihim sa inyo." Sinabi naman nila kay Jeremias, "Ang PANGINOON nawa ay maging totoo at tapat na saksi laban sa amin, kung hindi kami kikilos nang ayon sa lahat ng salita na ipinahahatid sa iyo ng PANGINOON mong Diyos sa amin. Maging iyon ay mabuti o masama, susundin namin ang tinig ng PANGINOON nating Diyos na siya naming pinagsusuguan sa iyo upang ikabuti namin, kapag aming sinunod ang tinig ng PANGINOON nating Diyos." Pagkalipas ng sampung araw ang salita ng PANGINOON ay dumating kay Jeremias. Pagkatapos ay ipinatawag niya si Johanan na anak ni Carea, pati ang lahat ng mga pinuno ng mga kawal na kasama niya, at ang buong bayan mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila, at sinabi niya sa kanila, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng Israel, na inyong pinagsuguan sa akin upang idulog ang inyong kahilingan sa harapan niya: Kung kayo'y mananatili sa lupaing ito, aking itatayo kayo at hindi ibabagsak. Itatanim ko kayo at hindi bubunutin, sapagkat ikinalulungkot ko ang pinsalang nagawa ko sa inyo. Huwag kayong matakot sa hari ng Babilonia na inyong kinatatakutan. Huwag kayong matakot sa kanya, sabi ng PANGINOON, sapagkat ako'y kasama ninyo upang iligtas kayo, at sagipin mula sa kanyang kamay. Kahahabagan ko kayo at siya'y mahahabag sa inyo at ibabalik kayo sa sarili ninyong lupain. Ngunit kung inyong sabihin, 'Hindi kami mananatili sa lupaing ito,' at susuwayin ninyo ang tinig ng PANGINOON ninyong Diyos, na inyong sinasabi,'Hindi; kundi pupunta kami sa lupain ng Ehipto, na doon ay hindi kami makakakita ng digmaan, o makakarinig man ng tunog ng trumpeta, o magugutom sa tinapay, at kami'y maninirahan doon,' ay inyo ngang pakinggan ang salita ng PANGINOON, O nalabi ng Juda. Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kung talagang nakatutok ang inyong pag-iisip na pumasok sa Ehipto, at hahayo upang manirahan doon, kung gayon ay aabutan kayo roon sa lupain ng Ehipto ng tabak na inyong kinatatakutan, at ang taggutom na inyong kinatatakutan ay mahigpit na susunod sa inyo doon sa Ehipto, at mamamatay kayo roon. Kaya ang lahat ng taong nakatutok ang pag-iisip na pumasok sa Ehipto upang manirahan doon ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot. Walang matitira o makakaligtas sa kanila mula sa kasamaan na aking dadalhin sa kanila. "Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kung paanong ang aking galit at poot ay ibinuhos sa mga naninirahan sa Jerusalem, gayon ko rin ibubuhos ang aking poot sa inyo kapag kayo'y pumunta sa Ehipto. Kayo'y magiging tampulan ng pagkutya, kakilabutan, isang sumpa at paghamak. Hindi na ninyo makikita ang lugar na ito. Sinabi na sa inyo ng PANGINOON, O nalabi ng Juda, 'Huwag kayong pumunta sa Ehipto.' Tandaan ninyong mabuti na binalaan ko kayo sa araw na ito. Sapagkat dinaya lamang ninyo ang inyong mga sarili. Sapagkat sinugo ninyo ako sa PANGINOON ninyong Diyos, na inyong sinasabi, 'Idalangin mo kami sa PANGINOON nating Diyos, at anuman ang sasabihin ng PANGINOON nating Diyos ay sabihin mo sa amin, at aming gagawin iyon.' At aking ipinahayag iyon sa inyo sa araw na ito, ngunit hindi kayo sumunod sa tinig ng PANGINOON ninyong Diyos sa anumang bagay na kanyang ipinasugo sa akin upang sabihin sa inyo. Ngayon nga'y tinitiyak ko sa inyo na kayo'y mamamatay sa tabak, sa taggutom, at sa salot sa lugar na nais ninyong puntahan at tirahan." Nang si Jeremias ay maka tapos ng pagsasalita sa buong bayan ng lahat ng mga salitang ito ng PANGINOON nilang Diyos, na ipinahatid sa kanya ng PANGINOON nilang Diyos sa kanila, ay sinabi kay Jeremias nina Azarias na anak ni Hoshaias, Johanan na anak ni Carea, at ng lahat ng mga walang galang na lalaki, "Nagsisinungahng ka. Hindi ka sinugo ng PANGINOON nating Diyos upang sabihing, 'Huwag kayong pumunta sa Ehipto upang manirahan doon;' kundi inilagay ka ni Baruc na anak ni Nerias laban sa amin, upang ibigay kami sa kamay ng mga Caldeo, upang mapatay nila kami o dalhin kaming bihag sa Babilonia." Sa gayo'y si Johanan na anak ni Carea, pati ang lahat ng mga pinuno ng mga kawal, at ang buong bayan ay hindi sumunod sa tinig ng PANGINOON na manatili sa lupain ng Juda. Kundi kinuha ni Johanan na anak ni Carea, at ng lahat ng mga pinuno ng mga kawal ang lahat ng nalabi ng Juda na bumalik upang manirahan sa lupain ng Juda mula sa lahat ng mga bansa na pinagtabuyan sa kanila — ang mga lalaki, mga babae, mga bata, ang mga prinsesa, at bawat taong iniwan ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay kay Gedalias na anak ni Ahikam, na anak ni Safan; pati si Jeremias na propeta, at si Baruc na anak ni Nerias. At sila'y dumating sa lupain ng Ehipto sapagkat hindi nila sinunod ang tinig ng PANGINOON. At sila'y dumating sa Tames. Pagkatapos ay dumating ang salita ng PANGINOON kay Jeremias sa Tafnes, na sinasabi, "Maglagay ka ng malalaking bato sa iyong kamay, at ikubli mo ang mga iyon sa argamasa sa daanang papasok sa palasyo ni Faraon sa Tafnes, sa paningin ng mga taga-Juda; at sabihin mo sa kanila, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Narito, aking isusugo at kukunin si Nebukadnezar na hari ng Babilonia na aking lingkod, at aking ilalagay ang kanyang trono sa mga batong ito na aking ikinubli; at kanyang ilaladlad ang kanyang talukbong sa ibabaw nito. Siya'y darating at kanyang sasaktan ang lupain ng Ehipto na ibibigay sa kamatayan ang mga itinakda sa kamatayan, sa pagkabihag ang mga itinakda sa pagkabihag, at sa tabak ang mga itinakda sa tabak. Ako'y magpapaningas ng apoy sa templo ng mga diyos ng Ehipto at kanyang susunugin ang mga iyon at dadalhing bihag. Kanyang babalutin ang lupain ng Ehipto na gaya ng pastol na binabalot ang sarili ng kanyang balabal, at siya'y payapang aalis mula roon. Kanyang babaliin ang matatayog na haligi ng Bet-shemes na nasa lupain ng Ehipto, at ang mga templo ng mga diyos ng Ehipto ay kanyang susunugin ng apoy.'" Ang salita na dumating kay Jeremias tungkol sa lahat ng mga Judio na nanirahan sa lupain ng Ehipto, sa Migdol, Tafnes, Memfis, at sa lupain ng Patros, na nagsasabi, "Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Inyong nakita ang lahat ng kasamaan na aking dinala sa Jerusalem, at sa lahat ng mga bayan ng Juda. Tingnan ninyo, sa araw na ito ay giba sila at walang naninirahan doon, dahil sa kasamaan na kanilang ginawa, na ibinunsod ako sa galit sa pamamagitan ng kanilang pagsusunog ng insenso, at paglilingkod sa ibang mga diyos na hindi nila nakilala, maging nila, ninyo o ng inyong mga ninuno man. Gayunma'y masugid kong sinugo sa inyo ang lahat kong mga lingkod na propeta, na nagsasabi, 'O huwag ninyong gawin ang karumaldumal na bagay na ito na aking kinasusuklaman!' Ngunit hindi sila nakinig o ikiniling man nila ang kanilang pandinig upang humiwalay sa kanilang kasamaan at huwag nang magsunog ng kamanyang sa ibang mga diyos. Kaya't ang aking poot at galit ay ibinuhos at nagningas sa mga bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem; at sila'y nasira at nagiba gaya sa araw na ito. Kaya't ngayo'y ganito ang sabi ng PANGINOONG Diyos ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Bakit ninyo ginagawa ang ganitong malaking kasamaan laban sa inyong mga sarili, na ihiwalay sa inyo ang mga lalaki at babae, mga sanggol at bata, mula sa kalagitnaan ng Juda, na walang iniiwang nalabi sa inyo? Bakit ninyo ako ibinubunsod sa galit sa pamamagitan ng mga gawa ng inyong mga kamay, na nagsusunog kayo ng insenso sa ibang mga diyos sa lupain ng Ehipto na inyong pinuntahan upang tirahan, upang kayo'y mahiwalay at maging isang sumpa at tampulan ng pagkutya sa gitna ng lahat ng mga bansa sa lupa? Nakalimutan na ba ninyo ang kasamaan ng inyong mga ninuno, ang kasamaan ng mga hari ng Juda, at ang kasamaan ng kanilang mga asawang babae, at ang inyong sariling kasamaan, at ang kasamaan ng inyong mga asawang babae, na kanilang ginawa sa lupain ng Juda, at sa mga lansangan ng Jerusalem? Ngunit sila'y hindi nagpakumbaba hanggang sa araw na ito, ni natakot man, ni lumakad man sa aking kautusan at sa aking mga alituntunin, na aking inilagay sa harapan ninyo at ng inyong mga ninuno. "Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Narito, itututok ko ang aking mukha laban sa inyo sa ikasasama, upang ihiwalay ang buong Juda. At aking kukunin ang nalabi sa Juda na nagpasiyang pumasok sa lupain ng Ehipto upang manirahan doon, at silang lahat ay malilipol. Sa lupain ng Ehipto ay mabubuwal sila; sila'y lilipulin ng tabak at ng taggutom. Sila'y mamamatay, mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila, sa pamamagitan ng tabak at ng taggutom. Sila'y magiging tampulan ng paghamak, kakilabutan, pagkutya at pag-alipusta. Aking parurusahan ang mga naninirahan sa lupain ng Ehipto, gaya ng parusang ginawa ko sa Jerusalem, sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at salot, anupa't walang sinuman sa nalabi ng Juda na pumasok upang manirahan sa lupain ng Ehipto ay makakatakas o makakaligtas o makakabalik sa lupain ng Juda na kanilang pinagnanasaang balikan upang tahanan. Sila'y hindi babalik, maliban sa ilang mga takas." At lahat ng mga lalaki na nakaalam na ang kanilang mga asawa ay nagsunog ng kamanyang sa ibang mga diyos, at ang lahat ng babae na nakatayo na isang malaking kapulungan, ang buong bayan na nanirahan sa Patros sa lupain ng Ehipto, ay sumagot kay Jeremias: "Tungkol sa salitang iyong sinabi sa amin sa pangalan ng PANGINOON, hindi ka namin papakinggan. Kundi gagawin namin ang lahat ng bagay na aming ipinangako, na magsunog ng insenso sa reyna ng langit at magbukas para sa kanya ng inuming handog, gaya ng aming ginawa, namin at ng aming mga magulang, ng aming mga hari, at ng aming mga pinuno sa mga bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem; sapagkat noon ay mayroon kaming saganang pagkain at guminhawa kami, at hindi nakakita ng kasamaan. Ngunit mula nang aming iwan ang pagsusunog ng insenso sa reyna ng langit, at ipagbuhos siya ng mga inuming handog, kami ay kinapos sa lahat ng bagay at nalipol ng tabak at ng taggutom." "At nang kami ay nagsunog ng kamanyang sa reyna ng langit at ipagbuhos siya ng mga inuming handog, wala bang pagsang-ayon ang aming mga asawa na kami ay gumawa ng munting tinapay para sa kanya na may larawan niya at ipinagbuhos namin siya ng mga inuming handog?" Nang magkagayo'y sinabi ni Jeremias sa buong bayan, sa mga lalaki at mga babae at sa lahat ng taong nagbigay sa kanya ng naturang sagot, na sinasabi, "Tungkol sa mga insenso na inyong sinunog sa mga bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem, ninyo at ng inyong mga magulang, ng inyong mga hari, at inyong mga pinuno, at ng mga tao ng lupain, hindi ba sila'y inalaala ng PANGINOON? Hindi ba ito'y pumasok sa kanyang isipan? Kaya't hindi na matagalan ng PANGINOON ang inyong masasamang gawa at ang mga karumaldumal na inyong ginawa. Kaya't ang inyong lupain ay naging sira, giba at isang sumpa, na walang naninirahan, gaya sa araw na ito. Ito'y sapagkat kayo'y nagsunog ng insenso, at sapagkat kayo'y nagkasala laban sa PANGINOON at hindi sumunod sa tinig ng PANGINOON o nagsilakad man sa kanyang kautusan at sa kanyang alituntunin, at sa kanyang mga patotoo, kaya't ang kasamaang ito ay sumapit sa inyo, gaya sa araw na ito." At sinabi ni Jeremias sa buong bayan at sa lahat ng kababaihan, "Pakinggan ninyo ang salita ng PANGINOON, kayong lahat na taga-Juda na nasa lupain ng Ehipto, Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Kayo at ang inyong mga asawa ay nagpahayag ng inyong mga bibig, at tinupad ng inyong mga kamay, na nagsasabi, 'Tiyak na tutuparin namin ang mga panata na aming ginawa, na magsunog ng insenso sa reyna ng langit, at ipagbuhos siya ng mga inuming handog.' Sige, pagtibayin ninyo ang inyong mga panata at tuparin ang inyong mga panata! Kaya't inyong pakinggan ang salita ng PANGINOON, kayong lahat na taga-Juda na naninirahan sa lupain ng Ehipto: Ako'y sumumpa sa pamamagitan ng aking dakilang pangalan, sabi ng PANGINOON, na ang aking pangalan ay hindi na sasambitin sa bibig ng sinumang tao sa Juda sa buong lupain ng Ehipto, na sasabihin, 'Habang buhay ang Panginoong DIYOS.' Tingnan ninyo, nagmamasid ako sa kanila sa ikasasama at hindi sa ikabubuti. Lahat ng tao ng Juda na nasa lupain ng Ehipto ay malilipol sa pamamagitan ng tabak at ng taggutom, hanggang sa sila'y magkaroon ng wakas. At ang makakatakas sa tabak na babalik sa lupain ng Juda mula sa lupain ng Ehipto ay kaunti sa bilang. At ang buong nalabi ng Juda na dumating sa lupain ng Ehipto upang manirahan doon ay makakaalam kung kaninong salita ang tatayo, ang sa akin osa kanila. Ito ang magiging tanda sa inyo, sabi ng PANGINOON, parurusahan ko kayo sa lugar na ito, upang inyong malaman na ang aking salita laban sa inyo ay tiyak na tatayo laban sa inyo sa ikapipinsala. Ganito ang sabi ng PANGINOON, Narito, ibibigay ko si Faraon Hophra na hari ng Ehipto sa kamay ng kanyang mga kaaway at ng mga nagtatangka sa kanyang buhay; kung paanong ibinigay ko si Zedekias na hari ng Juda sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, na kanyang kaaway at nagtangka sa kanyang buhay." Ang salita na sinabi ni propeta Jeremias kay Baruc na anak ni Nerias, nang sulatin niya ang mga salitang ito sa isang aklat mula sa bibig ni Jeremias, nang ikaapat na taon ni Jehoiakim na anak ni Josias, hari ng Juda, na sinasabi, "Ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng Israel, sa iyo, O Baruc: Iyong sinabi, 'Kahabag-habag ako! Sapagkat ang PANGINOON ay nagdagdag ng kalungkutan sa aking sakit; ako'y pagod na sa pagdaing, at wala akong kapahingahan.' Ganito ang sasabihin mo sa kanya, Ganito ang sabi ng PANGINOON: Narito, ang aking itinayo ay aking ibinabagsak, at ang aking itinanim ay aking bubunutin, ito'y ang buong lupain. At ikaw, naghahanap ka ba ng mga dakilang bagay para sa iyong sarili? Huwag mo nang hanapin ang mga iyon, sapagkat, narito, ako'y magdadala ng kasamaan sa lahat ng laman, sabi ng PANGINOON; ngunit ibibigay ko ang iyong buhay bilang gantimpala ng digmaan sa lahat ng dakong iyong pupuntahan." Ang salita ng PANGINOON na dumating kay Jeremias na propeta tungkol sa mga bansa. Tungkol sa Ehipto. Tungkol sa hukbo ni Faraon Neco, na hari ng Ehipto na nasa tabi ng ilog ng Eufrates, sa Carquemis, na tinalo ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, nang ikaapat na taon ni Jehoiakim na anak ni Josias, na hari ng Juda: "Ihanda ninyo ang panangga at kalasag, at kayo'y lumapit sa pakikipaglaban! Singkawan ninyo ang mga kabayo, kayo'y sumakay, O mga mangangabayo! Humanay kayo na may helmet; pakintabin ang inyong mga sibat, at isuot ang inyong kasuotang pandigma! Bakit ko nakita iyon? Sila'y nanlulupaypay at nagsisibalik. Ang kanilang mga mandirigma ay ibinuwal at mabilis na tumakas; hindi sila lumilingon — ang pagkasindak ay nasa bawat panig! sabi ng PANGINOON. Ang maliksi ay huwag tumakbo, ni ang malakas ay tumakas; sa hilaga sa tabi ng Ilog Eufrates sila ay natisod at bumagsak. "Sino itong bumabangon na katulad ng Nilo, gaya ng mga ilog na ang mga tubig ay bumubulusok? Ang Ehipto ay bumabangong parang Nilo, gaya ng mga ilog na ang tubig ay bumubulusok. Kanyang sinabi, Ako'y babangon at tatakpan ko ang lupa. Aking wawasakin ang lunsod at ang mga mamamayan nito. Sulong, O mga kabayo; at kayo'y humagibis, O mga karwahe! Sumalakay kayong mga mandirigma; mga lalaki ng Etiopia at Put na humahawak ng kalasag; ang mga lalaki ng Lud, na humahawak at bumabanat ng pana. Sapagkat ang araw na iyon ay sa Panginoong DIYOS ng mga hukbo, isang araw ng paghihiganti, upang makaganti siya sa kanyang mga kaaway. Ang tabak ay lalamon at mabubusog, at magpapakalasing sa dugo nila. Sapagkat ang Panginoong DIYOS ng mga hukbo ay magkakaroon ng pag-aalay sa hilagang lupain sa tabi ng Ilog Eufrates. Umahon ka sa Gilead, at kumuha ka ng balsamo, O anak na birhen ng Ehipto! Walang kabuluhang gumamit ka ng maraming gamot; hindi ka na gagaling. Nabalitaan ng mga bansa ang iyong kahihiyan, at ang daigdig ay puno ng iyong sigaw, sapagkat ang mandirigma ay natisod sa kapwa mandirigma, sila'y magkasamang nabuwal." Ang salitang sinabi ng PANGINOON kay Jeremias na propeta tungkol sa pagdating ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia upang salakayin ang lupain ng Ehipto: "Ipahayag ninyo sa Ehipto, ihayag sa Migdol, at ihayag sa Memfis at sa Tafnes; Sabihin ninyo, Tumayo ka at humanda ka, sapagkat ang tabak ay lalamon sa palibot mo.' Bakit napayuko ang iyong malalakas? Hindi sila tumatayo sapagkat sila'y ibinagsak ng PANGINOON. Tinisod niya ang marami; Oo, at sila'y nabuwal sa isa't isa. At sinabi nila sa isa't isa, 'Bangon, at bumalik tayo sa ating sariling bayan, at sa ating lupang sinilangan, malayo sa tabak ng manlulupig.' Sila'y sumigaw roon. 'Si Faraon, hari ng Ehipto ay isang ingay lamang.' Hinayaan niyang lumipas ang takdang oras! "Habang buhay ako, sabi ng Hari, na ang pangalan ay PANGINOON ng mga hukbo, tunay na gaya ng Tabor sa gitna ng mga bundok, at gaya ng Carmel sa tabing dagat, gayon darating ang isa. Ihanda ninyo ang inyong dala-dalahan para sa pagkabihag, O, anak na babae na nakatira sa Ehipto! Sapagkat ang Memfis ay magiging sira, susunugin at walang maninirahan. "Ang Ehipto ay isang napakagandang dumalagang baka; ngunit isang salot ang dumarating mula sa hilaga — ito'y dumarating! Maging ang kanyang mga upahang kawal sa gitna niya ay parang mga pinatabang guya. Oo, sila ay pumihit at tumakas na magkakasama, sila'y hindi nakatagal, sapagkat ang araw ng kanilang pagkapinsala ay dumating sa kanila, ang panahon ng kanilang kaparusahan. "Siya ay gumagawa ng tunog na gaya ng ahas na gumagapang na papalayo; sapagkat ang kanyang mga kaaway ay dumarating na may kalakasan, at dumarating laban sa kanya na may mga palakol, gaya ng mga mamumutol ng kahoy. Kanilang pinutol ang kanyang kakahuyan, sabi ng PANGINOON, bagaman mahirap pasukin; sapagkat sila'y higit na marami kaysa mga balang, sila'y hindi mabilang. Ang anak na babae ng Ehipto ay malalagay sa kahihiyan; siya'y ibibigay sa kamay ng isang sambayanan mula sa hilaga." Sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: "Ako'y nagdadala ng kaparusahan sa Amon ng Tebes, at kay Faraon, at sa Ehipto, at sa kanyang mga diyos at sa kanyang mga hari, kay Faraon at sa mga nagtitiwala sa kanya. Ibibigay ko sila sa kamay ng mga nagtatangka sa kanilang buhay, sa kamay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia at sa kanyang mga pinuno. Pagkatapos ang Ehipto ay tatahanan na gaya ng mga araw noong una, sabi ng PANGINOON. "Ngunit huwag kang matakot, O Jacob na aking lingkod, ni manlulupaypay, O Israel, sapagkat, narito, ililigtas kita mula sa malayo, at ang iyong lahi mula sa lupain ng kanilang pagkabihag. Ang Jacob ay babalik at magiging tahimik at tiwasay, at walang sisindak sa kanya. Huwag kang matakot, O Jacob na aking lingkod, sabi ng PANGINOON, sapagkat ako'y kasama mo. Sapagkat lubos kong wawakasan ang lahat ng mga bansa na aking pinagtabuyan sa iyo; ngunit ikaw ay hindi ko lubos na wawakasan. Ngunit parurusahan kita nang hustong sukat, at hindi kita iiwan sa anumang paraan na hindi mapaparusahan." Ang salita ng PANGINOON na dumating kay Jeremias na propeta tungkol sa mga Filisteo, bago sinakop ni Faraon ang Gaza. "Ganito ang sabi ng PANGINOON: Narito, ang mga tubig ay umaahon mula sa hilaga, at magiging naguumapaw na baha; ang mga ito ay aapaw sa lupain at sa lahat ng naroon, ang lunsod at ang mga naninirahan doon. Ang mga tao ay sisigaw, at bawat mamamayan sa lupain ay tatangis. Sa ingay ng lagapak ng mga kuko ng kanyang mga kabayo, sa hagibis ng kanyang mga karwahe, sa ingay ng kanilang mga gulong, hindi nililingon ng mga magulang ang kanilang mga anak, dahil sa kahinaan ng kanilang mga kamay, dahil sa araw na dumarating upang lipulin ang lahat ng Filisteo, upang ihiwalay sa Tiro at Sidon ang bawat kakampi na nananatili. Sapagkat nililipol ng PANGINOON ang mga Filisteo, ang nalabi sa pulo ng Crete. Ang pagiging kalbo ay dumating sa Gaza, ang Ascalon ay nagiba. O nalabi ng kanilang libis, hanggang kailan mo hihiwaan ang iyong sarili? Ah, tabak ng PANGINOON! Hanggang kailan ka hindi tatahimik? Ilagay mo ang sarili sa iyong kaluban; ikaw ay magpahinga at tumahimik! Paano ito magiging tahimik yamang ito'y inatasan ng PANGINOON? Laban sa Ascalon at laban sa baybayin ng dagat ay itinakda niya ito." Tungkol sa Moab. Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: "Kahabag-habag ang Nebo sapagkat ito'y winasak! Ang Kiryataim ay nalagay sa kahihiyan, ito'y nasakop; ang mataas na tanggulan ay nalagay sa kahihiyan at nawasak. Wala nang papuri para sa Moab. Sa Hesbon ay nagbalak sila ng kasamaan laban sa kanya: 'Halikayo, at ihiwalay natin siya sa pagiging bansa!' Ikaw rin, O Madmen, ay dadalhin sa katahimikan; hahabulin ka ng tabak. "Makinig! isang sigaw mula sa Horonaim, 'Pagkasira at malaking pagkawasak!' Ang Moab ay wasak; ang kanyang maliliit ay sumisigaw. Sapagkat sa gulod ng Luhith ay umaahon sila na umiiyak; sapagkat sa paglusong sa Horonaim ay narinig nila ang sigaw ng pagkawasak. Tumakas kayo, iligtas ninyo ang inyong mga buhay! Kayo'y maging gaya ng mailap na asno sa ilang. Sapagkat, yamang ikaw ay nagtiwala sa iyong mga tanggulan at sa iyong mga kayamanan, ikaw man ay kukunin rin; at si Cemos ay turungo sa pagkabihag, kasama ang kanyang mga pari at mga pinuno. Ang manglilipol ay darating sa bawat lunsod, at walang lunsod na makakatakas; ang libis ay wawasakin, at ang kapatagan ay masisira, gaya ng sinabi ng PANGINOON. "Bigyan ng mga pakpak ang Moab, upang siya'y makalipad papalayo; ang kanyang mga lunsod ay masisira, na walang maninirahan sa mga iyon. "Sumpain nawa siya na may kapabayaang gumagawa ng gawain ng PANGINOON; at sumpain siya na iniuurong ang kanyang tabak sa pagdanak ng dugo. "Ang Moab ay tiwasay mula sa kanyang kabataan, at nagpahinga sa kanyang mga latak, hindi pa siya isinasalin mula sa isang sisidlan patungo sa isa pa, ni dinala man siya sa pagkabihag: kaya't narito, ang kanyang lasa ay nananatili sa kanya, at ang kanyang bango ay hindi pa nababago. "Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng PANGINOON, na ako'y magsusugo sa kanya ng mga magtutumba, at siya'y kanilang itutumba, at aalisin nila ang laman ng kanyang mga sisidlan, at magdudurog ng kanilang mga banga. Kung gayo'y ikahihiya ng Moab si Cemos, kung paanong ang sambahayan ni Israel ay ikinahiya ang Bethel, na kanilang pinagtiwalaan. "Paano ninyo nasasabi, 'Kami ay malalakas na mandirigma, at magigiting na lalaki sa labanan? Ang Moab ay winasak at ang mga tao ay umahon sa kanyang mga lunsod; at ang kanyang mga piling kabataan ay nagsibaba sa katayan, sabi ng Hari, na ang pangalan ay PANGINOON ng mga hukbo. Ang pagkasalanta ng Moab ay malapit nang dumating, at ang kanyang pagkapinsala ay nagmamadali. Tangisan ninyo siya, kayong lahat na nasa palibot niya, at ninyong lahat na nakakakilala sa kanyang pangalan; inyong sabihin, 'Paanong nabali ang makapangyarihang setro, ang maluwalhating tungkod!' "Bumaba ka mula sa inyong kaluwalhatian, at umupo ka sa tigang na lupa, O anak na babae na nakatira sa Dibon! Sapagkat ang manglilipol ng Moab ay umahon laban sa iyo, giniba niya ang iyong mga muog. Tumayo ka sa tabing daan at magmasid, O mamamayan ng Aroer! Tanungin mo siya na tumatakbo at siya na tumatakas; iyong sabihin; 'Ano ang nangyari?' Ang Moab ay nalagay sa kahihiyan; sapagkat ito'y nagiba; kayo ay tumangis at sumigaw! Sabihin ninyo sa may Arnon, na ang Moab ay winasak na. "Ang hatol ay dumating din sa kapatagan, sa Holon, Jaza, at laban sa Mefaat, sa Dibon, Nebo, at Bet-diblataim, laban sa Kiryataim, Bet-gamul, at Bet-meon; laban sa Kiryot, Bosra, at sa lahat ng bayan ng lupain ng Moab, malayo at malapit. Ang sungay ng Moab ay naputol, at ang kanyang bisig ay nabali, sabi ng PANGINOON. "Lasingin ninyo siya, sapagkat siya'y nagmalaki laban sa PANGINOON; upang ang Moab ay maglubalob sa kanyang suka, at siya man ay magiging katatawanan. Hindi ba naging katatawanan ang Israel sa iyo? Siya ba'y natagpuang kasama ng mga magnanakaw, na tuwing pag-uusapan ninyo siya ay napapailing ka? "Iwan ninyo ang mga lunsod, at kayo'y manirahan sa malaking bato; O mga mamamayan ng Moab. Maging gaya kayo ng kalapati na nagpupugad sa mga tabi ng bunganga ng bangin. Nabalitaan namin ang kapalaluan ng Moab, labis niyang ipinagmamalaki ang kanyang kataasan, ang kanyang kapalaluan, ang kanyang kahambugan, at ang kayabangan ng kanyang puso. Alam ko ang kanyang bagsik, sabi ng PANGINOON, ngunit iyon ay walang kabuluhan, ang kanyang kahambugan ay walang nagawa. Kaya't tatangisan ko ang Moab; ako'y sisigaw para sa buong Moab, nagluluksa ako para sa mga tao ng Kir-heres. Tatangis ako para sa iyo nang higit kaysa pagtangis ko sa Jazer, O punong ubas ng Sibma! Ang iyong mga sanga ay lumampas sa dagat, at umabot hanggang sa Jazer, sa iyong mga bungang tag-init at sa iyong ani ay dumaluhong ang manglilipol. Kaya't ang tuwa at kagalakan ay inalis sa mabungang lupain, sa lupain ng Moab; aking pinatigil ang alak sa mga pisaan ng alak; walang pumipisa nito na may mga sigaw ng kagalakan; ang sigawan ay hindi sigawan ng kagalakan. "Ang Hesbon at Eleale ay sumisigaw; hanggang sa Jahaz ay naglakas sila ng kanilang tinig, mula sa Zoar hanggang sa Horonaim at sa Eglat-shelishiya. Sapagkat ang tubig ng Nimrim ay mawawasak din. At wawakasan ko sa Moab, sabi ng PANGINOON, ang naghahandog sa mataas na dako, at nagsusunog ng insenso sa kanyang mga diyos. Kaya't ang aking puso ay tuma-tangis na gaya ng plauta dahil sa Moab, at ang aking puso ay tumatangis na gaya ng plauta dahil sa mga lalaki sa Kir-heres; kaya't ang kayamanan na kanilang tinamo ay naglaho. "Sapagkat bawat ulo ay inahit, at bawat balbas ay ginupit; sa lahat ng mga kamay ay may mga kudlit, at sa mga baywang ay may damit-sako. Sa lahat ng mga bubungan ng Moab at sa mga liwasan ay pawang mga panaghoy; sapagkat aking binasag ang Moab na parang sisidlan na walang nagmamalasakit, sabi ng PANGINOON. Ito'y wasak na wasak! Napakalakas ng kanilang pagtangis! Ang Moab ay tumalikod sa kahihiyan! Kaya't ang Moab ay naging tampulan ng pagkutya at panghihilakbot sa lahat ng nasa palibot niya." Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON: "Narito, may lilipad na kasimbilis ng agila at magbubuka ng kanyang mga pakpak laban sa Moab. Ang Kiryot ay nasakop at ang mga muog ay naagaw. Sa araw na iyon, ang puso ng mga mandirigma ng Moab ay magiging parang puso ng babaing manganganak. Ang Moab ay mawawasak at hindi na magiging isang bayan, sapagkat siya'y nagmalaki laban sa PANGINOON. Sindak, hukay, at bitag ay nasa harapan mo, O naninirahan sa Moab, sabi ng PANGINOON. Siyang tumatakas sa pagkasindak ay mahuhulog sa hukay, at siyang umaahon sa hukay ay mahuhuli ng bitag. Sapagkat dadalhin ko ang mga bagay na ito sa Moab, sa taon ng kanilang kaparusahan, sabi ng PANGINOON. "Ang mga nagsisitakas ay humintong walang lakas sa lilim ng Hesbon, sapagkat may apoy na lumabas sa Hesbon, isang alab mula sa bahay ng Sihon. Nilamon nito ang noo ng Moab, ang tuktok ng mga anak ng kaguluhan. Kahabag-habag ka, O Moab! Ang bayan ni Cemos ay wala na; sapagkat ang iyong mga anak na lalaki ay dinalang bihag, at ang iyong mga anak na babae ay dinala sa pagkabihag. Gayunma'y panunumbalikin ko ang kapalaran ng Moab sa mga huling araw, sabi ng PANGINOON." Hanggang dito ang hatol sa Moab. Tungkol sa mga anak ni Ammon. Ganito ang sabi ng PANGINOON: "Wala bang mga anak na lalaki ang Israel? Wala ba siyang tagapagmana? Kung gayo'y bakit inagawan ni Malcam ang Gad, at ang kanyang taong-bayan ay nakatira sa mga bayan niyon? Kaya't, narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng PANGINOON, na aking iparirinig ang sigaw ng digmaan laban sa Rabba ng mga anak ni Ammon. Ito'y magiging isang bunton ng guho, at ang kanyang kabayanan ay susunugin ng apoy. Kung magkagayo'y aagawan ng Israel ang mga nang-agaw sa kanya, sabi ng PANGINOON. "Tumangis ka, O Hesbon, sapagkat nawasak ang Ai! Umiyak kayo, mga anak na babae ng Rabba! Kayo'y magbigkis ng damit-sako, kayo'y tumaghoy at tumakbong paroo't parito sa gitna ng mga tinikan! Sapagkat si Malcam ay patungo sa pagkabihag, kasama ang kanyang mga pari at mga pinuno. Bakit mo ipinagmamalaki ang iyong mga libis, ang iyong libis ay inaanod, ikaw na taksil na anak na babae na nagtitiwala sa kanyang mga kayamanan, na sinasabi, 'Sinong darating laban sa akin?' Narito, dadalhan kita ng takot, sabi ng Panginoong DIYOS ng mga hukbo, mula sa lahat ng nasa palibot mo; at kayo'y itataboy bawat isa sa harapan niya, at walang magtitipon sa mga takas. Ngunit pagkatapos ay panunumbalikin ko ang mga kayamanan ng mga anak ni Ammon, sabi ng PANGINOON." Tungkol sa Edom. Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: "Wala na bang karunungan sa Teman? Naglaho na ba ang payo mula sa matalino? Naparam na ba ang kanilang karunungan? Tumakas kayo, bumalik kayo, manirahan kayo sa kalaliman, O mga naninirahan sa Dedan! Sapagkat dadalhin ko ang pagkasalanta ng Esau sa kanya, sa panahon na parurusahan ko siya. Kung ang mga nag-ani ng ubas ay dumating sa iyo, hindi ba sila mag-iiwan ng mga napulot? Kung mga magnanakaw ay dumating sa gabi, hindi ba sisirain lamang nila ang sapat para sa kanilang sarili? Ngunit aking hinubaran ang Esau, aking inilitaw ang kanyang mga kublihan, anupa't hindi niya maikukubli ang kanyang sarili. Ang kanyang mga supling ay napuksa kasama ng kanyang mga kapatid, at ng kanyang mga kapitbahay; at siya'y wala na rin. Iwan mo ang iyong mga ulilang anak, pananatilihin ko silang buhay, at hayaang magtiwala sa akin ang iyong mga babaing balo." Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON: "Narito, silang hindi nahatulang uminom sa kopa ay tiyak na iinom, ikaw ba'y hahayong napawalang-sala? Ikaw ay hindi hahayong napawalang sala, kundi tiyak na iinom ka. Sapagkat ako'y sumumpa sa aking sarili, sabi ng PANGINOON, na ang Bosra ay magiging katatakutan, kakutyaan, guho, at sumpa; at ang lahat ng mga lunsod nito ay magiging wasak magpakailanman." Ako'y nakarinig ng balita mula sa PANGINOON, at isang sugo ang ipinadala sa mga bansa: "Kayo'y magtipun-tipon at pumaroon laban sa kanya, at bumangon upang lumaban!" Sapagkat, narito, ginawa kitang maliit sa gitna ng mga bansa, at hamak sa gitna ng mga tao. Tungkol sa iyong kakilabutan, dinaya ka ng kapalaluan ng iyong puso, ikaw na nakatira sa mga bitak ng bato, na humahawak sa kataasan ng burol. Bagaman pataasin mo ang iyong pugad na kasintaas ng sa agila, ibababa kita mula roon, sabi ng PANGINOON. "Ang Edom ay magiging katatakutan; bawat magdaraan doon ay mangingilabot at susutsot dahil sa lahat ng kapinsalaan nito. Gaya ng pagbagsak ng Sodoma at Gomorra, at ng mga karatig-bayan ng mga ito, sabi ng PANGINOON, walang sinumang mananatili roon, walang anak ng tao na maninirahan doon. Narito, gaya ng leon na umaahon sa gubat ng Jordan laban sa matibay na kulungan ng tupa, bigla ko silang patatakbuhing papalayo sa kanya; at hihirang ako ng mamamahala sa kanya ng sinumang aking piliin. Sapagkat sino ang gaya ko? Sinong magpapatawag sa akin? Sinong pastol ang tatayo sa harapan ko? Kaya't inyong pakinggan ang panukalang ginawa ng PANGINOON laban sa Edom at ang mga layunin na kanyang binuo laban sa mga naninirahan sa Teman: Maging ang maliliit ng kawan ay kakaladkarin, tiyak na gagawin niyang wasak ang kanilang pastulan dahil sa kanila. Ang lupa ay nayanig sa ingay ng kanilang pagbagsak. Mayroong sigaw! Ang ingay nito ay narinig sa Dagat na Pula. Narito, siya'y aahon at mabilis na lilipad na gaya ng agila, at ibubuka ang kanyang mga pakpak laban sa Bosra, at ang puso ng mga mandirigma ng Edom sa araw na iyon ay magiging gaya ng puso ng babae sa kanyang panganganak." Tungkol sa Damasco. "Ang Hamat at ang Arpad ay napahiya, sapagkat sila'y nakarinig ng masamang balita; sila'y nanlulumo, may kabalisahan sa dagat na hindi mapayapa. Ang Damasco ay humina, siya'y tumalikod upang tumakas, at sinaklot siya ng sindak; hinawakan siya ng dalamhati at mga kalungkutan, na gaya ng babaing manganganak. Tunay na hindi pinabayaan ang lunsod ng kapurihan, ang bayan ng aking kagalakan! Kaya't ang kanyang mga binata ay mabubuwal sa kanyang mga lansangan, at lahat ng kanyang kawal ay matatahimik sa araw na iyon, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo. At ako'y magpapaningas ng apoy sa pader ng Damasco, at lalamunin niyon ang mga toreng tanggulan ni Ben-hadad." Tungkol sa Kedar at sa mga kaharian ng Hazor na sinalakay ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia. Ganito ang sabi ng PANGINOON: "Bangon, sumampa kayo sa Kedar! Lipulin ninyo ang mga anak ng silangan! Ang kanilang mga tolda at mga kawan ay kanilang kukunin, ang kanilang mga tabing at lahat nilang ari-arian; ang kanilang mga kamelyo ay aagawin sa kanila, at ang mga tao ay sisigaw sa kanila: 'Kakilabutan sa bawat panig!' Takbo, tumakas kayo! Manirahan kayo sa kalaliman, O mamamayan ng Hazor, sabi ng PANGINOON: Sapagkat si Nebukadnezar na hari ng Babilonia ay nagpanukala laban sa inyo, at nagpasiya laban sa inyo. "Bangon, lusubin ninyo ang bansang tiwasay, na naninirahang panatag, sabi ng PANGINOON; na walang pintuan o mga halang man, na naninirahang mag-isa. At ang kanilang mga kamelyo ay sasamsamin, ang kanilang maraming kawan ay tatangayin. Aking pangangalatin sa bawat hangin ang mga gumugupit sa mga sulok ng kanilang buhok at dadalhin ko ang kanilang kapinsalaan na mula sa bawat panig nila, sabi ng PANGINOON. Ang Hazor ay magiging tirahan ng mga asong mailap, walang hanggang sira, walang sinumang mananatili roon, walang anak ng tao na maninirahan doon." Ang salita ng PANGINOON na dumating kay propeta Jeremias tungkol sa Elam sa Simula ng paghahari ni Zedekias na hari ng Juda, na sinasabi, Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: "Narito, aking babaliin ang pana ng Elam, ang pangunahin sa kanilang kapangyarihan; at dadalhin kosa Elam ang apat na hangin mula sa apat na sulok ng langit at ikakalat ko sila sa lahat ng mga hanging iyon. Walang bansang hindi mararating ng mga itinaboy mula sa Elam. Aking tatakutin ang Elam sa harapan ng kanilang mga kaaway, at sa harapan ng mga nagtatangka sa kanilang buhay. Ako'y magdadala ng kasamaan sa kanila, ang aking mabangis na galit, sabi ng PANGINOON. Ipahahabol ko sila sa tabak, hanggang sa malipol ko sila. Pagkatapos ay ilalagay ko ang aking trono sa Elam, at lilipulin ko ang kanilang hari at mga pinuno, sabi ng PANGINOON. "Ngunit mangyayari sa mga huling araw ay ibabalik ko ang mga kayamanan ng Elam, sabi ng PANGINOON." Ang salitang sinabi ng PANGINOON tungkol sa Babilonia, at tungkol sa lupain ng mga Caldeo, sa pamamagitan ng propetang si Jeremias: "Ipahayag ninyo sa gitna ng mga bansa at inyong ipatalastas, magtaas kayo ng watawat at ipahayag, huwag ninyong itago, kundi inyong sabihin, 'Ang Babilonia ay nasakop, si Bel ay nalagay sa kahihiyan, si Merodac ay nabasag. Ang kanyang mga larawan ay nalagay sa kahihiyan, ang kanyang mga diyus-diyosan ay nabasag.' "Sapagkat mula sa hilaga ay umahon ang isang bansa laban sa kanya na sisira sa kanyang lupain, at walang maninirahan doon; ang tao at ang hayop ay tatakas. "Sa mga araw na iyon, at sa panahong iyon, sabi ng PANGINOON, ang mga anak ni Israel at ni Juda ay darating na magkakasama, umiiyak habang sila'y dumarating, at hahanapin nila ang PANGINOON nilang Diyos. Kanilang ipagtatanong ang daan patungo sa Zion, na ang kanilang mga mukha ay nakatutok doon, na sinasabi, 'Halikayo, magsama-sama tayo sa PANGINOON sa isang walang hanggang tipan na hindi kailanman malilimutan.' "Ang aking bayan ay naging gaya ng nawawalang tupa, iniligaw sila ng kanilang mga pastol. Sila'y inilihis sa mga bundok, sila'y nagpabalik-balik sa burol at bundok; nakalimutan nila ang kanilang dakong pahingahan. Sinakmal sila ng lahat ng nakatagpo sa kanila, at sinabi ng kanilang mga kaaway, 'Kami ay walang kasalanan, sapagkat sila'y nagkasala laban sa PANGINOON, ang kanilang tunay na pastulan, ang PANGINOON, ang pag-asa ng kanilang mga ninuno.' "Tumakas kayo mula sa gitna ng Babilonia, at lumabas kayo sa lupain ng mga Caldeo, at kayo'y maging gaya ng mga lalaking kambing sa harapan ng mga kawan. Sapagkat narito, aking inuudyukan at dinadala laban sa Babilonia ang isang pangkat ng malalaking bansa mula sa hilagang lupain. Sila'y hahanay laban sa kanya; mula doo'y sasakupin siya. Ang kanilang mga palaso ay gaya ng sa sanay na mandirigma na hindi bumabalik na walang dala. Ang Caldea ay sasamsaman; lahat ng nagsisisamsam sa kanya ay mabubusog, sabi ng PANGINOON. "Bagaman kayo ay nagagalak, bagaman kayo'y nagsasaya, O kayong mandarambong ng aking mana, bagaman kayo'y nagpapasasa na gaya ng babaing guya sa damuhan, at humahalinghing na gaya ng mga lalaking kabayo; ang inyong ina ay lubhang mapapahiya, at siya na nagsilang sa inyo ay hihiyain. Siya'y magiging huli sa mga bansa, isang ilang, lupaing tuyo at disyerto. Dahil sa poot ng PANGINOON ay hindi siya titirahan, kundi magiging lubos na wasak; bawat magdaraan sa Babilonia ay magtataka, at susutsot dahil sa lahat niyang mga sugat. Humanay kayo laban sa Babilonia sa palibot, kayong lahat na nag-uumang ng busog; tudlain ninyo siya, huwag kayong magtipid ng mga palaso, sapagkat siya'y nagkasala laban sa PANGINOON. Sumigaw ka laban sa kanya sa palibot: Siya'y sumuko na; ang kanyang mga muog ay gumuho na, ang kanyang mga pader ay bagsak na. Sapagkat ito ang paghihiganti ng PANGINOON: Maghiganti kayo sa kanya, gawin ninyo sa kanya kung ano ang ginawa niya. Ihiwalay ninyo sa Babilonia ang manghahasik, at ang naghahawak ng karit sa panahon ng pag-aani, dahil sa tabak ng mang-aapi. Bawat isa ay babalik sa kanyang bayan, bawat isa ay tatakas patungo sa kanyang sariling lupain. "Ang Israel ay isang nagsipangalat na kawan na itinaboy ng mga leon. Una'y sinakmal siya ng hari ng Asiria; at ang huli ay si Nebukadnezar na hari ng Babilonia ang bumali ng kanyang mga buto. Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Narito, aking parurusahan ang hari ng Babilonia at ang kanyang lupain, kung paanong pinarusahan ko ang hari ng Asiria. Ibabalik ko ang Israel sa kanyang pastulan, at siya'y manginginain sa Carmel at sa Basan, at ang kanyang nasa ay masisiyahan sa mga burol ng Efraim at ng Gilead. Sa mga araw at sa panahong iyon, sabi ng PANGINOON, ang kasamaan ay hahanapin sa Israel at hindi magkakaroon ng anuman; at ang kasalanan sa Juda, at walang matatagpuan, sapagkat aking patatawarin sila na aking iniwan bilang nalabi. "Umahon ka laban sa lupain ng Merathaim. at laban sa mga naninirahan sa Pekod. Pumatay ka at ganap mong lipulin sila. sabi ng PANGINOON, at gawin mo ang lahat ng iniutos ko sa iyo. Ang ingay ng digmaan ay nasa lupain, at malaking pagkawasak! Pinutol at binali ang pamukpok ng buong daigdig! Ang Babilonia ay naging isang katatakutan sa gitna ng mga bansa! Ako'y naglagay ng bitag para sa iyo, at ikaw naman ay nakuha, O Babilonia, at hindi mo ito nalaman; ikaw ay natagpuan at nahuli, sapagkat ikaw ay naghimagsik laban sa PANGINOON. Binuksan ng PANGINOON ang kanyang taguan ng sandata, at inilabas ang mga sandata ng kanyang poot; sapagkat iyon ay gawa ng Panginoong DIYOS ng mga hukbo sa lupain ng mga Caldeo. Pumunta kayo laban sa kanya mula sa pinakamalayong hangganan; buksan ninyo ang kanyang mga kamalig; itambak ninyo siya na gaya ng bunton, at lubos ninyo siyang wasakin; huwag mag-iiwan ng anuman sa kanya. Patayin ninyo ng tabak ang lahat niyang mga toro; pababain sila sa katayan. Kahabag-habag sila! Sapagkat dumating na ang kanilang araw, ang araw ng pagpaparusa sa kanila. "May tinig ng mga takas at mga tumatakbo mula sa lupain ng Babilonia, upang ipahayag sa Zion ang paghihiganti ng PANGINOON nating Diyos, ang paghihiganti para sa kanyang templo. "Magpatawag kayo ng mga mamamana laban sa Babilonia, silang lahat na gumagamit ng pana. Magkampo kayo sa palibot niya; huwag hayaang makatakas ang sinuman. Gantihan siya ayon sa kanyang mga gawa, gawin ninyo sa kanya ang ayon sa lahat niyang ginawa; sapagkat may kapalaluan niyang sinuway ang PANGINOON, ang Banal ng Israel. Kaya't mabubuwal ang kanyang mga kabataang lalaki sa kanyang mga liwasan, at ang lahat niyang mga kawal ay malilipol sa araw na iyon, sabi ng PANGINOON. "Narito, ako'y laban sa iyo, O ikaw na palalo, sabi ng Panginoong DIYOS ng mga hukbo; sapagkat ang iyong araw ay dumating na, ang panahon na parurusahan kita. At ang palalo ay matitisod at mabubuwal, at walang magbabangon sa kanya; at ako'y magpapaningas ng apoy sa kanyang mga lunsod, at lalamunin niyon ang lahat ng nasa palibot niya. "Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: Ang mga anak ni Israel ay inaapi at gayundin ang mga anak ni Juda na kasama nila; lahat ng bumihag sa kanila ay mahigpit silang hinahawakan, sila'y ayaw nilang palayain. Ang kanilang Manunubos ay malakas; ang PANGINOON ng mga hukbo ang kanyang pangalan. Tiyak na kanyang ipaglalaban sila, upang mabigyan niya ng kapahingahan ang lupa, ngunit kaguluhan sa mga mamamayan ng Babilonia. "Tabak laban sa mga Caldeo, sabi ng PANGINOON, at laban sa mga mamamayan ng Babilonia, at laban sa kanyang mga pinuno, at sa kanyang mga pantas! Tabak laban sa mga manghuhula, at sila'y magiging mga hangal! Tabak laban sa kanyang mga mandirigma at sila'y malilipol! Tabak laban sa kanilang mga kabayo at sa kanilang mga karwahe, at laban sa lahat ng mga dayuhang nasa gitna niya, at sila'y magiging mga babae! Tabak laban sa kanyang mga kayamanan, at ang mga iyon ay sasamsamin. Tagtuyot sa kanyang mga tubig, at sila'y matutuyo! Sapagkat iyon ay lupain ng mga larawang inanyuan, at sila'y nahihibang sa mga diyus-diyosan. "Kaya't ang mababangis na hayop ay maninirahan doon na kasama ng mga asong-gubat, at ang avestruz ay maninirahan sa kanya; hindi na ito titirahan ng mga tao kailanpaman; ni matatahanan sa lahat ng mga salinlahi. Kung paanong winasak ng Diyos ang Sodoma at Gomorra at ang mga karatig-bayan ng mga iyon, sabi ng PANGINOON, gayon walang sinumang maninirahan doon, at walang anak ng tao na titira doon. "Narito, isang bayan ay dumarating mula sa hilaga; isang makapangyarihang bansa at maraming hari ang gigisingin mula sa pinakamalayong bahagi ng lupa. May hawak silang busog at sibat; sila'y malulupit, at walang awa. Ang kanilang tinig ay gaya ng hugong ng dagat, at sila'y nakasakay sa mga kabayo, nakahanay na gaya ng isang taong makikipagdigma laban sa iyo, O anak na babae ng Babilonia! "Narinig ng hari ng Babilonia ang balita tungkol sa kanila, at ang kanyang mga kamay ay nanghina; sinaklot siya ng dalamhati, ng paghihirap na gaya ng sa babaing manganganak. "Narito, darating ang isang gaya ng leon na umaahon mula sa gubat ng Jordan laban sa matibay na kulungan ng tupa, bigla ko silang patatakbuhing papalayo sa kanya; at hihirangin kong mamahala sa kanya ang sinumang piliin ko. Sapagkat sinong gaya ko? Sinong magpapatawag sa akin? Sinong pastol ang makakatayo sa harapan ko? Kaya't inyong pakinggan ang pinanukala ng PANGINOON laban sa Babilonia; at ang mga layuning binuo niya laban sa lupain ng mga Caldeo: Tiyak na kakaladkarin ang maliliit sa kanilang kawan. Tiyak na wawasakin niya ang kawan nila dahil sa kanila. Sa ingay ng pagkasakop sa Babilonia ay nayayanig ang lupa, at ang kanyang sigaw ay maririnig sa mga bansa." Ganito ang sabi ng PANGINOON: "Narito, ako'y magbabangon ng isang laban sa Babilonia, at laban sa mga naninirahan sa Lebkamai; Ako'y magpapadala sa Babilonia ng mga dayuhan, at kanilang tatahipan siya, at kanilang aalisan ng laman ang kanyang lupain, kapag sila'y dumating laban sa kanya mula sa bawat panig sa araw ng kaguluhan. Huwag iumang ng mamamana ang kanyang pana, at huwag siyang hayaang makatayo sa kanyang baluti. Huwag ninyong hahayaang makaligtas ang kanyang mga kabataang lalaki; lubos ninyong lipulin ang kanyang buong hukbo. Sila'y patay na mabubuwal sa lupain ng mga Caldeo, at sinugatan sa kanyang mga lansangan. Sapagkat ang Israel at Juda ay hindi pa pinababayaan ng kanilang Diyos, ng PANGINOON ng mga hukbo, bagaman ang lupain ng mga Caldeo ay puno ng pagkakasala laban sa Banal ng Israel. "Tumakas kayo mula sa gitna ng Babilonia, at iligtas ng bawat tao ang kanyang buhay! Huwag kayong mapuksa nang dahil sa pagpaparusa sa kanya sapagkat ito ang panahon ng paghihiganti ng PANGINOON; siya'y kanyang pagbabayarin. Ang Babilonia noon ay gintong kopa sa kamay ng PANGINOON na lumasing sa buong daigdig; ang mga bansa ay uminom ng kanyang alak, kaya't ang mga bansa ay nauulol. Ang Babilonia ay biglang nabuwal at nadurog; tangisan ninyo siya! Dalhan ninyo siya ng balsamo para sa kanyang sakit, baka sakaling siya'y gumaling. Ibig sana nating gumaling ang Babilonia, ngunit siya'y hindi napagaling. Pabayaan ninyo siya, at bawat isa sa atin ay humayo sa kanya-kanyang sariling lupain; sapagkat ang kanyang kahatulan ay umaabot hanggang sa langit, at naitaas hanggang sa himpapawid. Inilabas ng PANGINOON ang pagpapawalang-sala sa atin; halikayo, at ating ipahayag sa Zion ang gawa ng PANGINOON nating Diyos. "Patalasin ninyo ang mga palaso! Kunin ninyo ang mga kalasag! Pinukaw ng PANGINOON ang espiritu ng mga hari ng mga Medo, sapagkat ang kanyang layunin tungkol sa Babilonia ay wasakin ito, sapagkat iyon ang paghihiganti ng PANGINOON, ang paghihiganti para sa kanyang templo. Magtaas kayo ng watawat laban sa mga pader ng Babilonia, patibayin ninyo ang bantayan, maglagay kayo ng mga bantay, kayo'y maghanda ng mga panambang; sapagkat binalak at ginawa ng PANGINOON ang kanyang sinabi tungkol sa mga naninirahan sa Babilonia. O ikaw na naninirahan sa tabi ng maraming tubig, sagana sa mga kayamanan, dumating na ang iyong wakas, at ang sukat ng iyong kasakiman. Ang PANGINOON ng mga hukbo ay sumumpa sa pamamagitan ng kanyang sarili: Tiyak na pupunuin kita ng mga tao, na kasindami ng balang, at sila'y sisigaw ng sigaw ng tagumpay laban sa iyo. "Siya ang gumawa ng lupa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, nagtatag ng sanlibutan sa pamamagitan ng kanyang karunungan, at sa pamamagitan ng kanyang unawa ay iniladlad niya ang mga langit. Kapag siya'y nagsasalita, nagkakaroon ng pagkakaingay ng mga tubig sa kalangitan, at kanyang pinaiilanglang ang mga singaw mula sa mga dulo ng lupa. Siya'y gumagawa ng mga kidlat para sa ulan, at inilalabas niya ang hangin mula sa kanyang mga imbakan. Bawat tao ay hangal at walang kaalaman; bawat panday-ginto ay inilagay sa kahihiyan ng kanyang mga diyus-diyosan, sapagkat ang kanyang mga rebulto ay kasinungalingan, at walang hininga sa mga iyon. Ang mga iyon ay walang kabuluhan, isang gawa ng pandaraya; sa panahon ng kanilang kaparusahan ay malilipol sila. Hindi gaya ng mga ito ang bahagi ng Jacob, sapagkat siya ang humubog sa lahat ng bagay, at ang lipi ng kanyang pamana; ang kanyang pangalan ay PANGINOON ng mga hukbo. "Ikaw ang aking pandigmang palakol at sandatang pandigma; sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang mga bansa, at sa pamamagitan mo ay winawasak ko ang mga kaharian. Sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang kabayo at ang kanyang sakay; sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang karwahe at ang nagpapatakbo niyon. Sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang lalaki at babae; sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang matanda at ang bata; sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang binata at ang dalaga. Sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang pastol at ang kanyang kawan; sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang magbubukid at ang kanyang mga hayop na katuwang; at sa pamamagitan mo ay dinudurog ko ang mga tagapamahala at ang mga pinuno. "Ngunit pagbabayarin ko ang Babilonia at ang lahat ng naninirahan sa Caldea sa harap mismo ng inyong paningin sa lahat ng kasamaan na kanilang ginawa sa Zion, sabi ng PANGINOON. "Narito, ako'y laban sa iyo, sabi ng PANGINOON, O mapangwasak na bundok, na sumisira ng buong lupa; at aking iuunat ang aking kamay laban sa iyo, at pagugulungin kita mula sa batuhan, at gagawin kitang sunog na bundok. Wala silang batong kukunin sa iyo na gagawing panulok, o ng isang bato bilang pundasyon, kundi ikaw ay magiging wasak magpakailanman, sabi ng PANGINOON. "Magtaas kayo ng watawat sa lupa, inyong hipan ang trumpeta sa gitna ng mga bansa, ihanda ninyo ang mga bansa sa pakikidigma laban sa kanya, ipatawag ninyo laban sa kanya ang mga kaharian ng Ararat, Minni, at Askenaz; pumili kayo ng pinuno laban sa kanya; magdala kayo ng mga kabayo na gaya ng pulutong na mga balang. Ihanda ninyo ang mga bansa sa pakikidigma laban sa kanya, ang mga hari ng mga Medo, ang kanilang mga tagapamahala at mga kinatawan, at ang bawat lupain na kanilang nasasakupan. At ang lupain ay nanginginig at namimilipit sa sakit, sapagkat ang mga layunin ng PANGINOON laban sa Babilonia ay nananatili, upang wasakin ang lupain ng Babilonia, na walang naninirahan. Ang mga mandirigma ng Babilonia ay huminto sa pakikipaglaban, sila'y nanatili sa kanilang mga muog; ang kanilang lakas ay naubos, sila'y naging parang mga babae, ang kanyang mga tirahan ay nasusunog, ang kanyang mga halang ay nabali. Ang isang mananakbo ay tumatakbo upang sumalubong sa isa pa, at ang isang sugo upang sumalubong sa isa pang sugo, upang ibalita sa hari ng Babilonia na ang kanyang lunsod ay nasakop sa magkabilang dulo; ang mga tawiran ay naagaw, ang mga tambo ay nasunog ng apoy, at ang mga mandirigma ay natatakot. Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: Ang anak na babae ng Babilonia ay parang giikan sa panahon na iyon ay niyayapakan; gayunma'y sandali na lamang at ang panahon ng pag-aani sa kanya ay darating." "Nilamon ako ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, dinurog niya ako, ginawa niya akong sisidlang walang laman, nilulon niya akong gaya ng halimaw; pinuno niya ang kanyang tiyan ng aking masasarap na pagkain; ako'y kanyang iniluwa. Ang karahasang ginawa sa akin at sa aking kamag-anak ay mahulog nawa sa Babilonia," sasabihin ng taga-Zion. "Ang dugo ko nawa ay mahulog sa mga mamamayan ng Caldea," sasabihin ng Jerusalem. Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON: "Narito, ipaglalaban kita at igaganti kita nang lubusan. Tutuyuin ko ang kanyang dagat at tutuyuin ko ang kanyang bukal. Ang Babilonia ay magiging mga bunton ng mga guho, tahanan ng mga asong mailap, isang katatakutan at tampulan ng pagkutya, walang maninirahan. "Sila'y magkakasamang uungal na parang mga leon; sila'y uungal na parang mga batang leon. Kapag sila'y nag-init ay ipaghahanda ko sila ng isang salu-salo, at akin silang lalasingin, hanggang sa sila'y magkatuwaan at matulog nang walang hanggang pagtulog, at hindi na magising, sabi ng PANGINOON. Ibababa ko sila sa katayan na parang mga kordero, gaya ng mga lalaking tupa at mga kambing na lalaki. "Ano't nasakop ang Sheshach, at ang kapurihan ng buong lupa ay naagaw! Ano't ang Babilonia ay naging katatakutan sa gitna ng mga bansa! Ang dagat ay umapaw sa Babilonia; siya'y natakpan ng nagngangalit nitong mga alon. Ang kanyang mga lunsod ay naging katatakutan, isang tuyong lupain at ilang, isang lupain na walang taong naninirahan, o dinaraanan man ng sinumang anak ng tao. At aking parurusahan si Bel sa Babilonia, at aking ilalabas mula sa kanyang bibig ang kanyang nilulon. Ang mga bansa ay hindi na dadagsa pa sa kanya, ang pader ng Babilonia ay bumagsak! "Lumabas kayo sa kalagitnaan niya, bayan ko! Iligtas ng bawat isa ang kanyang buhay mula sa mabangis na galit ng PANGINOON! Huwag manlupaypay ang inyong puso, o matakot man kayo sa balitang naririnig sa lupain, kapag may ulat na dumating sa isang taon, at pagkatapos niyon ay isa pang ulat sa isa pang taon, at ang karahasan ay nasa lupain, at ang pinuno ay laban sa pinuno. "Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating na aking parurusahan ang mga larawang inanyuan ng Babilonia; ang kanyang buong lupain ay mapapahiya, at ang lahat ng mapapatay sa kanya ay bubulagta sa gitna niya. Kung magkagayo'y ang langit at ang lupa, at lahat ng naroroon ay aawit sa kagalakan dahil sa Babilonia; sapagkat ang mga mangwawasak ay darating laban sa kanila mula sa hilaga, sabi ng PANGINOON. Ang Babilonia ay dapat bumagsak dahil sa pinaslang sa Israel, kung paanong ang mga pinaslang sa buong lupa ay nabuwal dahil sa Babilonia. "Kayong nakatakas sa tabak, humayo kayo, huwag kayong magsitigil! Alalahanin ninyo ang PANGINOON mula sa malayo, at papasukin ninyo ang Jerusalem sa inyong pag-iisip: 'Kami ay napahiya, sapagkat kami ay nakarinig ng pagkutya; ang kasiraang-puri ay tumakip sa aming mga mukha, sapagkat ang mga dayuhan ay pumasok sa mga banal na dako ng bahay ng PANGINOON. "Kaya't narito, ang mga araw ay dumarating, sabi ng PANGINOON, na ako'y maglalapat ng hatol sa kanyang mga larawang inanyuan; at sa buong lupain niya ay daraing ang malubhang nasugatan. Kahit abutin pa ng Babilonia ang langit, at kahit patibayin pa niya ang kanyang malakas na kataasan, gayunma'y darating sa kanya ang mga manglilipol mula sa akin, sabi ng PANGINOON. "Pakinggan ninyo! Isang sigaw mula sa Babilonia! Ang ingay ng malaking pagkawasak mula sa lupain ng mga Caldeo! Sapagkat gigibain ng PANGINOON ang Babilonia at patatahimikin ang kanyang mga makapangyarihang tinig. Ang kanilang mga alon ay uugong na gaya ng maraming tubig, ang ingay ng kanilang tinig ay itinataas; sapagkat ang isang mangwawasak ay dumating sa kanya, laban sa Babilonia, ang kanyang mga mandirigma ay hinuhuli, ang kanilang mga busog ay pinagpuputul-putol; sapagkat ang PANGINOON ay Diyos ng paghihiganti, siya'y tiyak na maniningil. Lalasingin ko ang kanyang mga pinuno at ang kanyang mga taong pantas, ang kanyang mga tagapamahala, mga punong kawal, at ang kanyang mga mandirigma; sila'y matutulog nang walang hanggang pagtulog at hindi magigising, sabi ng Hari, na ang pangalan ay ang PANGINOON ng mga hukbo. "Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: Ang malawak na pader ng Babilonia ay lubos na magigiba, at ang kanyang matataas na pintuan ay matutupok ng apoy. Ang mga tao ay nagpapagal sa walang kabuluhan, at ang mga bansa ay nagpapakapagod para lamang sa apoy." Ang salita na iniutos ni propeta Jeremias kay Seraya na anak ni Nerias, na anak ni Maasias, nang siya'y pumunta sa Babilonia na kasama ni Zedekias na hari ng Juda, nang ika-apat na taon ng kanyang paghahari. Si Seraias ay tagapamahala. Kaya't isinulat ni Jeremias sa isang aklat ang lahat ng kasamaan na darating sa Babilonia, ang lahat ng salitang ito na isinulat tungkol sa Babilonia. Sinabi ni Jeremias kay Seraya: "Pagdating mo sa Babilonia, basahin mong lahat ang mga salitang ito, At iyong sabihin, 'O PANGINOON, sinabi mo tungkol sa lugar na ito na iyong pupuksain, anupa't walang maninirahan doon, maging tao o hayop man, at ito'y magiging wasak magpakailanman.' Pagkatapos mong basahin ang aklat na ito, talian mo na may kasamang bato, at ihagis mo sa gitna ng Eufrates, at sabihin mo, 'Ganito lulubog ang Babilonia, at hindi na muling lumitaw dahil sa kapinsalaan na aking dadalhin sa kanya.'" Hanggang dito ang mga salita ni Jeremias. Si Zedekias ay dalawampu't isang taon nang siya'y maging hari; at siya'y nagharing labing-isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Hamutal, na anak ni Jeremias na taga-Libna. Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng PANGINOON, ayon sa lahat ng ginawa ni Jehoiakim. Sapagkat talagang ginalit ng Jerusalem at Juda ang PANGINOON kaya't sila'y pinalayas niya sa kanyang harapan. At si Zedekias ay naghimagsik laban sa hari ng Babilonia. At nangyari, nang ikasiyam na taon ng kanyang paghahari, nang ikasampung buwan, nang ikasampung araw ng buwan, si Nebukadnezar na hari ng Babilonia at ang kanyang buong hukbo ay dumating laban sa Jerusalem. Kinubkob nila ito at sila'y nagtayo ng mga pangkubkob sa palibot niyon. Kaya't nakubkob ang lunsod hanggang sa ikalabing-isang taon ni Haring Zedekias. Nang ikasiyam na araw ng ika-apat na buwan, tumindi ang tag-gutom sa lunsod, kaya't walang makain ang taong-bayan ng lupain. Nang magkagayo'y gumawa ng butas sa lunsod at lahat ng lalaking mandirigma ay nagsitakas at lumabas sa lunsod nang kinagabihan sa daan ng pintuan sa pagitan ng dalawang pader, na nasa tabi ng halamanan ng hari, samantalang ang mga Caldeo ay nakapalibot sa lunsod. At sila'y tumakas patungong Araba. Ngunit hinabol ng hukbo ng mga Caldeo ang hari, at inabutan si Zedekias sa mga kapatagan ng Jerico; at ang buo niyang hukbo ay nagkawatak-watak. Kanilang hinuli ang hari at kani-lang dinala siya sa hari ng Babilonia sa Ribla, sa lupain ng Hamat, at siya'y hinatulan ng hari. Pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak ni Zedekias sa kanyang harapan, kasama ang lahat ng pinuno ng Juda sa Ribla. Pagkatapos ay kanyang dinukot ang mga mata ni Zedekias at ginapos siya sa mga tanikala. Dinala siya sa Babilonia ng hari ng Babilonia, at ibinilanggo siya hanggang sa araw ng kanyang kamatayan. Nang ikalimang buwan, nang ikasampung araw ng buwan, na siyang ikalabinsiyam na taon ni Haring Nebukadnezar, hari ng Babilonia, pumasok sa Jerusalem si Nebuzaradan na pinuno ng bantay na naglingkod sa hari ng Babilonia. Kanyang sinunog ang bahay ng PANGINOON, ang bahay ng hari, at lahat ng bahay sa Jerusalem. Bawat malaking bahay ay sinunog niya. At pinabagsak ng buong hukbo ng mga Caldeo na kasama ng pinuno ng bantay ang lahat ng pader sa palibot ng Jerusalem. Pagkatapos ay dinalang bihag ni Nebuzaradan na pinuno ng bantay ang ilan sa pinakadukha sa bayan at ang nalabi sa mga tao na naiwan sa lunsod at ang mga takas na tumakas patungo sa hari ng Babilonia, kasama ng nalabi sa mga manggagawa. Ngunit iniwan ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay ang ilan sa mga pinakadukha sa lupain upang maging tagapag-alaga ng ubasan at mga magbubukid. At ang mga haliging tanso na nasa bahay ng PANGINOON, ang mga tuntungan, at ang dagat-dagatang tanso na nasa bahay ng PANGINOON, ay pinagputul-putol ng mga Caldeo, at dinala ang lahat ng tanso sa Babilonia. Tinangay nila ang mga palayok, mga pala, mga gunting, mga palanggana, at ang mga pinggan para sa mga insenso, at lahat ng sisidlang tanso na ginagamit sa paglilingkod sa templo; gayundin ang maliliit na mangkok, mga apuyan, mga palanggana, mga palayok, mga ilawan, mga pinggan para sa insenso at mga inumang mangkok. Lahat ng yari sa ginto at pilak ay dinalang lahat ng kapitan ng bantay. Tungkol sa dalawang haligi, ang dagat-dagatan, at ang labindalawang torong tanso na nasa ilalim, at ang mga patungan na ginawa ni Haring Solomon para sa bahay ng PANGINOON, ang tanso ng lahat ng mga bagay na ito ay hindi matimbang. At tungkol sa mga haligi, ang taas ng isang haligi ay labingwalong siko; ang pabilog na sukat nito ay labindalawang siko, at ang kapal nito'y apat na daliri, at ito'y may guwang sa loob. Sa ibabaw nito ay isang kapitel na tanso; at ang taas ng isang kapitel ay limang siko, na yaring nilambat at may mga granada sa kapitel sa palibot na yari sa tanso. Ang ikalawang haligi naman ay mayroong gaya ng mga ito, at mga granada. Mayroong siyamnapu't anim na granada sa mga tagiliran; lahat na granada ay isandaan na yaring nilambat sa palibot. At kinuha ng kapitan ng bantay si Seraya na punong pari, si Sefanias na pangalawang pari, at ang tatlong tanod sa pinto. Mula sa lunsod ay kinuha niya ang isang namahala sa mga lalaking mandirigma, at pitong lalaki mula sa sanggunian ng hari na natagpuan sa lunsod, ang kalihim ng pinuno ng hukbo na nagtipon sa mga tao ng lupain, at animnapung katao sa taong-bayan ng lupain na nasa gitna ng lunsod. At dinala sila ni Nebuzaradan na kapitan ng bantay sa hari ng Babilonia sa Ribla. Pagkatapos ay sinaktan sila ng hari ng Babilonia at sila'y pinatay sa Ribla sa lupain ng Hamat. Sa gayon, nadalang bihag ang Juda mula sa lupain nito. Ito ang bilang ng mga taong dinalang bihag ni Nebukadnezar nang ikapitong taon: tatlong libo at dalawampu't tatlong Judio; nang ikalabingwalong taon ni Nebukadnezar ay nagdala siya ng bihag mula sa Jerusalem ng walong daan at tatlumpu't dalawang katao. Nang ikadalawampu't tatlong taon ni Nebukadnezar, si Nebuzaradan na pinuno ng bantay ay nagdala ng bihag na mga Judio na pitong daan at apatnapu't limang katao; lahat-lahat ay apat na libo at animnaraang katao. Nang ikatatlumpu't pitong taon ng pagkabihag kay Jehoiakin na hari ng Juda, nang ikadalawampu't limang araw ng ikalabindalawang buwan, si Evilmerodac na hari ng Babilonia, nang unang taon na siya ay maging hari, ay nagpakita ng kabutihan kay Jehoiakim na hari ng Juda at kanyang inilabas siya sa bilangguan. Siya'y nagsalitang may kabaitan sa kanya, at binigyan siya ng trono na higit na mataas kaysa trono ng mga hari na kasama niya sa Babilonia. At kanyang pinalitan ang kanyang mga damit-bilanggo. At araw-araw sa buong buhay niya ay kumain siya sa hapag ng hari. At tungkol sa kanyang gastusin, binigyan siya ng hari ng gastusin ayon sa kanyang pang-araw-araw na pangangailangan, habang siya ay nabubuhay, hanggang sa araw ng kanyang kamatayan. Kay lungkot na nakaupong nag-iisa ang lunsod na dating puno ng mga tao! Siya'y naging parang isang balo, siya na dating dakila sa gitna ng mga bansa! Siya na dating prinsesa ng mga lalawigan ay naging alipin! Siya'y umiiyak nang mapait sa gabi, may mga luha sa kanyang mga pisngi; sa lahat ng kanyang mangingibig ay wala ni isa mang sa kanya'y umaliw, lahat ng kanyang mga kaibigan sa kanya ay nagtaksil, sila'y naging mga kaaway niya. Ang Juda ay dinalang bihag sa ilalim ng pagdadalamhati at mabigat na paglilingkod. Siya'y naninirahan sa gitna ng mga bansa, ngunit walang natagpuan na mapagpapahingahan, inabutan siya ng lahat ng humahabol sa kanya sa gitna ng pagkabalisa. Ang mga daan patungo sa Zion ay nagluluksa, sapagkat walang dumarating sa kapistahang itinakda. Lahat ng kanyang pintuan ay giba, ang mga pari niya'y dumaraing; ang kanyang mga dalaga ay pinahihirapan, at siya'y mapait na nagdurusa. Ang kanyang mga kalaban ay naging kanyang mga pinuno, ang kanyang mga kaaway ay nagtatagumpay, sapagkat pinagdusa siya ng PANGINOON dahil sa dami ng kanyang mga pagsuway; ang kanyang mga munting anak ay umalis bilang bihag sa harapan ng kaaway. Mula sa anak na babae ng Zion ay naglaho ang lahat niyang karilagan. Ang kanyang mga pinuno ay naging parang mga usa na hindi makatagpo ng pastulan; sila'y tumakbong walang lakas sa harapan ng humahabol. Naaalala ng Jerasalem sa mga araw ng kanyang paghihirap at kapaitan ang lahat ng kanyang mahahalagang bagay noong una. Nang ang kanyang bayan ay mahulog sa kamay ng kalaban, ay walang sumaklolo sa kanya, tiningnan siya na may kasiyahan ng kanyang mga kalaban, na tinutuya ang kanyang pagbagsak. Ang Jerusalem ay nagkasala nang mabigat, kaya't siya'y naging isang maruming bagay; lahat ng nagparangal sa kanya ay humahamak sa kanya, sapagkat kanilang nakita ang kanyang kahubaran. Oo, siya'y dumaraing at tumatalikod. Ang kanyang karumihan ay nasa kanyang mga damit; hindi niya inalintana ang kanyang wakas; kaya't ang kanyang pagbagsak ay malagim, siya'y walang mang-aaliw. "O PANGINOON, masdan mo ang aking pagdadalamhati; sapagkat ang kaaway ay nagmamalaki!" Iniunat ng kaaway ang kanyang kamay sa lahat ng kanyang mahahalagang bagay. Oo, nakita niyang sinakop ng mga bansa ang kanyang santuwaryo, yaong mga pinagbawalan mong pumasok sa iyong kapulungan. Ang buong bayan niya ay dumaraing habang sila'y naghahanap ng tinapay; ipinagpalit nila ng pagkain ang kanilang mga kayamanan upang ibalik ang kanilang lakas. "Tingnan mo, O PANGINOON, at masdan mo; sapagkat ako'y naging hamak." "Wala bang anuman sa inyo, kayong lahat na nagdaraan? Inyong masdan at tingnan kung may anumang kapanglawan na gaya ng aking kapanglawan, na ibinigay sa akin, na ipinabata sa akin ng PANGINOON sa araw ng kanyang mabangis na galit. "Mula sa itaas ay nagsugo siya ng apoy; sa aking mga buto ay pinababa niya ito; nagladlad siya ng lambat para sa aking mga paa, pinabalik niya ako; iniwan niya akong natitigilan at nanghihina sa buong araw. "Iginapos sa isang pamatok ang aking mga pagsuway, binigkis niya itong sama-sama ng kanyang kamay; ang mga ito ay inilagay sa leeg ko, pinapanghina niya ang lakas ko; ibinigay ako ng Panginoon sa mga kamay ng mga taong hindi ko matagalan. "Tinawanan ng Panginoon ang lahat ng aking mga magigiting na lalaki sa gitna ko; siya'y nagpatawag ng pagtitipon laban sa akin upang durugin ang aking mga binata; niyapakan ng Panginoon na parang pisaan ng ubas ang anak na dalaga ng Juda. "Dahil sa mga bagay na ito ay umiiyak ako; ang mga mata ko ay dinadaluyan ng luha; sapagkat ang mang-aaliw na dapat magpanumbalik ng aking katapangan ay malayo sa akin. Ang mga anak ko ay mapanglaw, sapagkat nagwagi ang kaaway." Iniunat ng Zion ang kanyang mga kamay; ngunit walang umaliw sa kanya. Nag-utos ang PANGINOON laban sa Jacob, na ang kanyang mga kalapit ang dapat maging mga kalaban niya; ang Jerusalem ay naging maruming bagay sa gitna nila. "Ang PANGINOON ay matuwid; sapagkat ako'y naghimagsik laban sa kanyang salita; ngunit inyong pakinggan, ninyong lahat ng bayan, ang aking paghihirap ay inyong masdan, ang aking mga dalaga at mga binata ay nasa pagkabihag. "Tinawagan ko ang aking mga mangingibig, ngunit dinaya nila ako; ang aking mga pari at matatanda ay napahamak sa lunsod, habang nagsisihanap sila ng pagkain upang ang lakas nila'y panumbalikin. "Masdan mo, O PANGINOON; sapagkat ako'y nahahapis, ang aking kaluluwa ay naguguluhan, ang aking puso ay nagugulumihanan; sapagkat ako'y lubhang naghimagsik. Sa lansangan ang tabak ay pumapatay; ito'y gaya ng kamatayan sa bahay. "Nabalitaan nila na ako'y dumaraing; walang sinumang umaliw sa akin; narinig ng lahat ng aking mga kaaway ang aking kabagabagan; sila'y natutuwa na iyong ginawa iyon. Paratingin mo ang araw na iyong ipinahayag, at sila'y magiging gaya ko. "Dumating nawa ang lahat nilang kasamaan sa harapan mo; at gawin mo sa kanila ang gaya ng sa akin ay ginawa mo, dahil sa lahat kong mga pagsuway; sapagkat marami ang mga daing ko, at nanghihina ang puso ko." Tingnan mo kung paanong sa kanyang galit ay tinakpan ng Panginoon ng ulap ang anak na babae ng Zion! Kanyang inihagis sa lupa mula sa langit ang karilagan ng Israel, hindi niya inalala ang kanyang tuntungan ng paa sa araw ng galit niya. Nilamon ng Panginoon, hindi siya nagpatawad sa lahat ng tahanan ng Jacob. Sa kanyang poot ay ibinagsak niya ang mga muog ng anak na babae ng Juda; kanyang inilugmok sa lupa na walang karangalan ang kanyang kaharian at ang mga prinsipe nito. Kanyang pinutol sa matinding galit ang lahat ng kapangyarihan ng Israel; iniurong niya sa kanila ang kanyang kanang kamay sa harapan ng kaaway; siya'y nag-alab na gaya ng nag-aalab na apoy sa Jacob, na tumutupok sa buong paligid. Iniakma niya ang kanyang pana na parang kaaway, na ang kanyang kanang kamay ay nakaakma na parang kalaban, at pinatay ang lahat ng kaaya-aya sa mata; sa tolda ng anak na babae ng Zion; ibinuhos niya ang kanyang matinding galit na parang apoy. Ang Panginoon ay naging parang kaaway, kanyang nilamon ang Israel; nilamon niya ang lahat nitong mga palasyo, kanyang giniba ang mga muog nito. At kanyang pinarami sa anak na babae ng Juda ang panangis at panaghoy. Ginawan niya ng karahasan ang kanyang tabernakulo na gaya ng isang halamanan; kanyang sinira ang kanyang takdang pulungang lugar; ipinalimot ng PANGINOON sa Zion ang takdang kapistahan at Sabbath, at sa kanyang matinding galit ay itinakuwil ang hari at ang pari. Itinakuwil ng Panginoon ang kanyang dambana, kanyang iniwan ang kanyang santuwaryo. Kanyang ibinigay sa kamay ng kaaway ang mga pader ng kanyang mga palasyo; isang sigawan ang naganap sa bahay ng PANGINOON, na gaya nang sa araw ng takdang kapistahan. Ipinasiya ng PANGINOON na gibain ang pader ng anak na babae ng Zion; tinandaan niya ito ng guhit, hindi niya iniurong ang kanyang kamay sa paggiba: kanyang pinapanaghoy ang muog at ang kuta; sila'y sama-samang manghihina. Ang kanyang mga pintuan ay bumaon sa lupa; kanyang giniba at sinira ang kanyang mga halang; ang kanyang hari at mga prinsipe ay kasama ng mga bansa; wala nang kautusan, at ang kanyang mga propeta ay hindi na tumatanggap ng pangitain mula sa PANGINOON. Ang matatanda ng anak na babae ng Zion ay tahimik na nakaupo sa lupa. Sila'y nagsabog ng alabok sa kanilang mga ulo; at nagsuot ng damit-sako; itinungo ng mga dalaga sa Jerusalem ang kanilang mga ulo sa lupa. Ang aking mga mata ay namumugto sa kaiiyak; ang aking kaluluwa ay naguguluhan; ang aking puso ay ibinuhos sa lupa dahil sa pagkapahamak ng anak na babae ng aking bayan, sapagkat ang mga bata at mga pasusuhin ay nanghihina sa mga lansangan ng lunsod. Sila'y nag-iiyakan sa kanilang mga ina, "Nasaan ang tinapay at alak?" habang sila'y nanghihina na gaya ng taong sugatan sa mga lansangan ng bayan, habang ang kanilang buhay ay ibinubuhos sa kandungan ng kanilang mga ina. Ano ang aking maipapangaral sa iyo? sa ano kita ihahambing, O anak na babae ng Jerusalem? Sa ano kita itutulad, upang kita'y maaliw, O anak na dalaga ng Zion? Sapagkat kasinlawak ng dagat ang iyong pagkagiba; sinong makapagpapagaling sa iyo? Ang iyong mga propeta ay nakakita para sa iyo ng mga huwad at mapandayang pangitain; hindi nila inilitaw ang iyong kasamaan upang ibalik ka mula sa pagkabihag, kundi nakakita para sa iyo ng mga hulang huwad at nakaliligaw. Lahat ng nagdaraan ay ipinapalakpak ang kanilang kamay sa iyo; sila'y nanunuya at iniiling ang kanilang ulo sa anak na babae ng Jerusalem; "Ito ba ang lunsod na tinatawag na kasakdalan ng kagandahan, ang kagalakan ng buong lupa?" Maluwang na ibinuka ng lahat mong mga kaaway ang kanilang bibig: sila'y nanunuya at nagngangalit ang ngipin; kanilang sinasabi, "Nilamon na namin siya! Tunay na ito ang araw na aming hinihintay; ngayo'y natamo na namin ito; nakita na namin." Ginawa ng PANGINOON ang kanyang ipinasiya; na isinagawa ang kanyang banta na kanyang iniutos nang una; kanyang ibinagsak, at hindi naawa: hinayaan niyang pagkatuwaan ka ng iyong mga kaaway, at itinaas ang kapangyarihan ng iyong mga kalaban. Ang kanilang puso ay dumaraing sa Panginoon! O pader ng anak na babae ng Zion! Padaluyin mo ang mga luha na parang ilog araw at gabi! Huwag kang magpahinga; huwag papaghingahin ang iyong mga mata. Bumangon ka, sumigaw ka sa gabi, sa pasimula ng mga pagbabantay! Ibuhos mo ang iyong puso na parang tubig sa harapan ng mukha ng Panginoon! Itaas mo ang iyong mga kamay sa kanya dahil sa buhay ng iyong mga anak na nanghihina sa gutom sa dulo ng bawat lansangan. Tingnan mo, O PANGINOON, at masdan mo! Kanino mo ginawa ang ganito! Kakainin ba ng mga babae ang kanilang anak, ang mga batang ipinanganak na malusog? Papatayin ba ang pari at propeta sa santuwaryo ng Panginoon? Ang bata at ang matanda ay nakahiga sa alabok ng mga lansangan. Ang, aking mga dalaga at mga binata ay nabuwal sa pamamagitan ng tabak; pinatay mo sila sa araw ng iyong galit; pinatay mo nang walang awa. Nag-anyaya ka na gaya ng sa araw ng takdang kapistahan, ang aking mga kakilabutan ay nasa bawat panig; at sa araw ng galit ng PANGINOON ay walang nakatakas o nakaligtas; yaong aking mga kinalong at pinalaki ay nilipol ng aking kaaway. Ako ang taong nakakita ng pagdadalamhati dahil sa pamalo ng kanyang poot. Itinaboy niya ako at dinala sa kadiliman, at hindi sa liwanag; tunay na laban sa akin ay kanyang paulit-ulit na ipinihit ang kanyang kamay sa buong maghapon. Pinapanghina niya ang aking laman at aking balat, at binali niya ang aking mga buto. Sinakop at kinulong niya ako sa kalungkutan at paghihirap. Pinatira niya ako sa kadiliman, gaya ng mga matagal nang patay. Binakuran niya ako upang ako'y hindi makatakas; pinabigat niya ang aking tanikala. Bagaman ako'y dumaraing at humihingi ng tulong, kanyang pinagsasarhan ang aking panalangin; kanyang hinarangan ang aking mga daan ng tinabas na bato, kanyang iniliko ang mga landas ko. Para sa akin ay gaya siya ng oso na nag-aabang, parang leon na nasa kubling dako. Iniligaw niya ang aking mga lakad, at ako'y pinagputul-putol; ginawa niya akong wasak. Binanat niya ang kanyang busog at ginawa akong tudlaan para sa kanyang pana. Pinatusok niya sa aking puso ang mga palaso mula sa kanyang lalagyan. Ako'y naging katatawanan sa lahat ng aking kababayan, ang pasanin ng kanilang awit sa buong maghapon. Pinuno niya ako ng kapanglawan, kanyang pinapagsawa ako ng katas ng mapait na halaman. Dinurog niya ng mga bato ang ngipin ko, at pinamaluktot ako sa mga abo. Ang aking kaluluwa ay inilayo sa kapayapaan; nalimutan ko na kung ano ang kaligayahan. Kaya't aking sinabi, "Wala na ang aking kaluwalhatian, at ang aking pag-asa sa PANGINOON." Alalahanin mo ang aking paghihirap at ang aking kapaitan, ang katas ng mapait na halaman at ng apdo. Patuloy itong naaalala ng aking kaluluwa at yumuyuko sa loob ko. Ngunit ito'y naaalala ko, kaya't mayroon akong pag-asa: Ang tapat na pag-ibig ng PANGINOON ay hindi nagmamaliw, ang kanyang mga habag ay hindi natatapos; sariwa ang mga iyon tuwing umaga, dakila ang iyong katapatan. "Ang PANGINOON ay aking bahagi," sabi ng aking kaluluwa; "kaya't ako'y aasa sa kanya." Ang PANGINOON ay mabuti sa kanila na naghihintay sa kanya, sa kaluluwa na humahanap sa kanya. Mabuti nga na ang tao ay tahimik na maghintay para sa pagliligtas ng PANGINOON. Mabuti nga sa tao na pasanin ang pamatok sa kanyang kabataan. Maupo siyang mag-isa sa katahimikan kapag kanyang iniatang sa kanya; ilagay niya ang kanyang bibig sa alabok — baka mayroon pang pag-asa; ibigay niya ang kanyang pisngi sa mananampal, at mapuno siya ng pagkutya. Sapagkat ang Panginoon ay hindi magtatakuwil nang walang hanggan. Ngunit bagaman siya'y sanhi ng kaiungkutan, siya'y mahahabag ayon sa kasaganaan ng kanyang tapat na pagmamahal; sapagkat hindi niya kusang pinahihirapan o ang mga anak ng mga tao ay sinasaktan man. Upang durugin sa ilalim ng paa ang lahat ng bihag sa lupa, upang sikilin ang karapatan ng tao sa harapan ng Kataas-taasan, upang ibagsak ang tao sa kanyang usapin, na hindi ito sinasang-ayunan ng Panginoon. Sino ang nagsasalita at ito ay nangyayari, malibang ito ay iniutos ng PANGINOON? Hindi ba sa bibig ng Kataas-taasan nagmumula ang masama at raabuti? Bakit magrereklamo ang taong may buhay, ang tao, tungkol sa parusa sa kanyang mga kasalanan? Ating subukin at suriin ang ating mga lakad, at manumbalik tayo sa PANGINOON! Itaas natin ang ating mga puso at mga kamay sa Diyos sa langit: "Kami ay sumuway at naghimagsik, at hindi ka nagpatawad. "Binalot mo ng galit ang iyong sarili at hinabol mo kami; na pumapatay ka nang walang awa. Binalot mo ng ulap ang iyong sarili upang walang panalanging makatagos. Ginawa mo kaming patapon at basura sa gitna ng mga bayan. "Ibinuka ng lahat naming mga kaaway ang kanilang bibig laban sa amin. Dumating sa amin ang takot at pagkahulog, pagkasira at pagkawasak. Ang mata ko'y dinadaluyan ng maraming luha dahil sa pagkawasak ng anak na babae ng aking bayan. "Ang mata ko'y dadaluyan nang walang hinto, walang pahinga, hanggang sa ang PANGINOON ay tumungo at tumingin mula sa langit. Pinahihirapan ng aking mga mata ang aking kaluluwa, dahil sa lahat na anak na babae ng aking lunsod. "Ako'y tinugis na parang ibon, ng aking mga naging kaaway nang walang kadahilanan. Pinatahimik nila ako sa hukay at nilagyan ng bato sa ibabaw ko. Ang tubig ay lumampas sa aking ulo; aking sinabi, 'Ako'y wala na.' "Ako'y tumawag sa iyong pangalan, O PANGINOON, mula sa kalaliman ng hukay; pinakinggan mo ang aking pakiusap! 'Huwag mong itago ang iyong pandinig sa saklolo, mula sa paghingi ko ng tulong!' Ikaw ay lumapit nang ako'y tumawag sa iyo; iyong sinabi, 'Huwag kang matakot.' "Ipinagtanggol mo ang aking usapin, O PANGINOON, tinubos mo ang aking buhay. Nakita mo ang pagkakamaling ginawa sa akin, O PANGINOON hatulan mo ang aking usapin. Nakita mo ang lahat nilang paghihiganti, at ang lahat nilang pakana laban sa akin. "Narinig mo ang kanilang pagtuya, O PANGINOON, at lahat nilang pakana laban sa akin. Ang mga labi at pag-iisip ng mga tumutugis sa akin ay laban sa akin sa buong maghapon. Masdan mo ang kanilang pag-upo at ang kanilang pagtayo, ako ang pinatutungkulan ng kanilang mga awit. "Pagbabayarin mo sila, O PANGINOON, ayon sa gawa ng kanilang mga kamay. Papagmamatigasin mo ang kanilang puso, ang iyong sumpa ay darating sa kanila." Hahabulin mo sila sa galit at iyong lilipulin sila, mula sa silong ng mga langit O, PANGINOON." Malabo na ang ginto, nabago na ang dalisay na ginto! Ang mga banal na bato ay nakakalat sa dulo ng bawat lansangan. Ang mahahalagang anak ng Zion, na kasimbigat ng dalisay na ginto, ano't pinapahalagahan na waring mga sisidlang lupa, na gawa ng mga kamay ng magpapalayok! Maging ang mga asong-gubat ay naglalabas ng dibdib at nagpapasuso sa kanilang mga anak, ngunit ang anak na babae ng aking bayan ay naging malupit, parang mga avestruz sa ilang. Ang dila ng sumususong bata ay dumidikit sa ngalangala ng kanyang bibig dahil sa uhaw. Ang mga bata ay humihingi ng tinapay, ngunit walang taong nagpuputol nito sa kanila. Silang nagpapakasawa sa pagkain ay namamatay sa mga lansangan. Silang pinalaki sa kulay-ube ay nagsisihiga sa mga tapunan ng dumi. Sapagkat ang kasamaan ng anak na babae ng aking bayan ay higit na mabigat kaysa parusa sa Sodoma, na nagapi sa isang sandali, at walang mga kamay na humawak sa kanya. Ang kanyang mga pangunahing tao ay higit na dalisay kaysa niyebe, higit na maputi kaysa gatas; ang kanilang katawan ay higit na matipuno kaysa coral, ang ganda ng kanilang anyo ay parang zafiro. Ang kanilang anyo ngayon ay higit na maitim kaysa uling; sila'y hindi makilala sa mga lansangan. Ang kanilang balat ay naninikit sa kanilang mga buto; ito'y naging gaya ng tuyong kahoy. Mabuti pa ang mga pinatay sa tabak kaysa sa mga pinatay sa gutom, sapagkat ang mga ito ay nanghihina at nagkakasakit dahil sa kawalan ng mga bunga ng lupain. Niluto ng mga kamay ng mga mahabaging babae ang kanilang sariling mga anak; sila'y naging mga pagkain nila, dahil sa pagkawasak ng anak na babae ng aking bayan. Nilubos ng PANGINOON ang kanyang poot, ibinuhos niya ang kanyang matinding galit. At siya'y nagpaningas ng apoy sa Zion, na tumupok sa mga pundasyon nito. Ang mga hari sa lupa ay hindi naniwala, o sinuman sa mga naninirahan sa sanlibutan, na ang kaaway at ang kalaban ay makakapasok sa mga pintuan ng Jerusalem. Ito'y dahil sa mga kasalanan ng kanyang mga propeta, at sa mga kasamaan ng kanyang mga pari, na nagpadanak sa gitna niya ng dugo ng mga matuwid. Sila'y nagpagala-gala na mga bulag sa mga lansangan, na lubhang nadungisan ng dugo kaya't walang makahawak sa kanilang kasuotan. "Lumayo kayo, Marurumi!" ang sigaw ng mga tao sa kanila; "Lumayo kayo! Lumayo kayo! Huwag ninyo kaming hahawakan!" Kaya't sila'y naging mga takas at pagala-gala; sinabi ng mga tao sa gitna ng mga bansa, "Hindi na sila mamamalaging kasama natin." Pinangalat sila ng PANGINOON, sila ay hindi na niya pahahalagahan Hindi nila iginalang ang mga pari hindi nila nilingap ang matatanda. Nanlabo na ang aming mga mata sa paghihintay ng tulong na hindi naman dumating, sa aming pagbabantay ay naghihintay kami sa isang bansang hindi makapagliligtas. Inaabangan nila ang aming mga hakbang, upang huwag kaming makalakad sa aming mga lansangan, malapit na ang aming wakas, tapos na ang aming mga araw; sapagkat dumating na ang aming wakas. Ang mga humahabol sa amin ay higit na mabibilis kaysa mga buwitre sa himpapawid: hinabol nila kami sa mga bundok, inabangan nila kami sa ilang. Ang hininga ng mga butas ng aming ilong, ang pinahiran ng PANGINOON ay kinuha sa kanilang mga hukay; na tungkol sa kanya ay aming sinasabi, "Sa kanyang mga lilim ay mabubuhay kami na kasama ng mga bansa." Magalak at matuwa ka, O anak na babae ng Edom, na naninirahan sa lupain ng Uz. Ngunit ang kopa ay darating din sa iyo; ikaw ay malalasing at maghuhubad. Ang parusa sa iyong kasamaan ay naganap na, O anak na babae ng Zion, hindi ka na niya pananatilihin pa sa pagkabihag. Ngunit ang iyong kasamaan, O anak na babae ng Edom; ay kanyang parurusahan, ilalantad niya ang iyong mga kasalanan. Alalahanin mo, O PANGINOON, kung ano ang nangyari sa amin. Iyong masdan, at tingnan ang aming kahihiyan! Ang aming mana ay ibinigay sa mga dayuhan, ang aming mga bahay ay sa mga taga-ibang bayan. Kami ay naging mga ulila at walang ama; gaya ng mga balo ang aming mga ina. Dapat kaming magbayad sa tubig na aming iniinom, dapat naming bilhin ang kinukuha naming kahoy. Ang mga humahabol sa amin ay nasa aming leeg; kaini ay pagod na, wala kaming kapahingahan. Sa mga taga-Ehipto, kami ay nakipagkamay, at sa mga taga-Asiria upang makakuha ng sapat na tinapay. Ang aming mga ninuno ay nagkasala at wala na; at kami ay nagpapasan ng mga kasamaan nila. Mga alipin ang namumuno sa amin, walang magliligtas sa amin sa kanilang kamay. Nalalagay sa panganib ang aming buhay upang makakuha ng tinapay, dahil sa tabak sa ilang. Ang aming balat ay kasing-init ng pugon, dahil sa nagniningas na init ng taggutom. Ang mga babae sa Zion ay ginahasa nila, ang mga dalaga sa mga bayan ng Juda. Ang mga pinuno ay ibinitin sa kamay nila, hindi iginagalang ang matatanda. Ang mga binata ay pinagtrabaho sa gilingan, at sa bigat ng kahoy ang mga bata ay nagpasuray-suray. Iniwan na ng matatanda ang pintuang-bayan, at ang mga binata ang kanilang mga tugtugan. Ang kagalakan ng aming puso ay huminto na, ang aming pagsasayaw ay napalitan ng pagluluksa. Nahulog mula sa aming ulo ang korona; kahabag-habag kami, sapagkat kami'y nagkasala! Dahil dito ay nagkasakit ang aming puso, dahil sa mga bagay na ito ang mga mata nami'y lumabo; dahil sa bundok ng Zion na nawasak, ang mga asong-gubat ay pagala-gala roon. Ikaw, O PANGINOON, magpakailanman ay naghahari, ang iyong trono ay nananatili sa lahat ng salinlahi. Bakit mo kami nililimot magpakailanman, bakit mo kami pinababayaan nang kaytagal? Ibalik mo kami sa iyo, O PANGINOON, Upang kami ay makapanumbalik! Ibalik mo ang aming mga araw na gaya nang una. Talaga bang kami'y iyo nang itinakuwil? Ikaw ba ay lubhang galit na galit sa amin? Nang ikalimang araw ng ika-apat na buwan ng ikatatlumpung taon, samantalang ako'y kasama ng mga bihag sa pampang ng Ilog Chebar, ang langit ay nabuksan at ako'y nakakita ng mga pangitain ng Diyos. Nang ikalimang araw ng buwan, na siyang ikalimang taon ng pagkabihag ng Haring Jehoiakin, ang salita ng PANGINOON ay dumating kay Ezekiel na pari, na anak ni Buzi, sa lupain ng mga Caldeo sa pampang ng Ilog Chebar; at doon ang kamay ng PANGINOON ay sumasa kanya. Habang ako'y nakatingin, at narito, isang maunos na hangin ang lumabas mula sa hilaga. May isang malaking ulap na may apoy na patuloy na sumisiklab, may maningning na liwanag na nakapalibot dito at sa gitna ay may parang nagbabagang tanso sa gitna ng apoy. Mula sa gitna nito ay may isang kahawig ng apat na nilalang na may buhay. Ganito ang kanilang anyo: sila'y may anyong tao. Bawat isa ay may apat na mukha at bawat isa sa kanila ay may apat na pakpak. Ang kanilang mga paa ay tuwid at ang talampakan ng kanilang mga paa ay parang talampakan ng paa ng isang guya; at sila'y kumikinang na parang tansong pinakintab. Sila'y may mga kamay ng tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak sa kanilang apat na tagiliran. Silang apat ay may kanilang mga mukha, at may kanilang mga pakpak na ganito: ang kanilang mga pakpak ay magkakadikit. Bawat isa sa kanila ay lumalakad nang tuluy-tuloy at hindi lumilingon habang lumalakad. Tungkol sa anyo ng kanilang mga mukha, ang apat ay may mukha ng tao, may mukha ng leon sa kanang tagiliran, may mukha ng baka sa kaliwang tagiliran, at silang apat ay may mukha ng agila; gayon ang kanilang mga mukha. At ang kanilang mga pakpak ay nakabuka sa itaas; bawat nilalang ay may dalawang pakpak na bawat isa ay magkakadikit, samantalang ang dalawa ay nakatakip sa kanilang mga katawan. Bawat isa ay lumakad ng tuwid; saanman pumaroon ang espiritu, doon sila pumaparoon at hindi lumilingon sa kanilang paglakad. Sa gitna ng mga nilalang na may buhay gaya ng mga bagang nagniningas, parang mga sulo na nagpaparoo't parito sa gitna ng mga nilalang na may buhay. Ang apoy ay maningas, at mula sa apoy ay may lumabas na kidlat. At ang mga nilalang na may buhay ay tumakbong paroo't parito na parang kislap ng kidlat. Samantalang minamasdan ko ang mga nilalang na may buhay, narito ang isang gulong sa lupa sa tabi ng mga nilalang na may buhay, isa para sa bawat isa sa kanilang apat. Ganito ang anyo ng mga gulong at ng kanilang pagkayari: ang kanilang anyo ay parang kislap ng berilo; at ang apat ay magkakatulad, ang kanilang pagkayari ay parang isang gulong sa loob ng isang gulong. Kapag sila'y lumakad, sila'y lumalakad sa alinman sa apat na dako na hindi lumilingon habang lumalakad. Tungkol sa kanilang mga rayos ay matataas at kakilakilabot; at itong apat ay may kanilang mga rayos na puno ng mga mata sa palibot. At kapag ang mga nilalang na may buhay ay lumalakad, ang mga gulong ay kasunod sa tabi nila; at kapag ang mga nilalang na may buhay ay tumataas mula sa lupa, ang mga gulong ay tumataas. Kung saanman ang espiritu pumupunta, doon pupunta ang espiritu at ang mga gulong ay tumataas na kasama nila, sapagkat ang espiritu ng mga nilalang na may buhay ay nasa mga gulong. Kapag ang mga iyon ay lumakad, ang mga ito'y lumalakad din; at kapag ang mga iyon ay huminto, sila ay hihinto. Kapag sila ay tumayo mula sa lupa, ang mga gulong ay tatayong kasama nila, sapagkat ang espiritu ng mga nilalang na may buhay ay nasa mga gulong. Sa ibabaw ng ulo ng mga nilalang na may buhay, may isang bagay na kawangis ng kalawakang kumikinang na parang kristal na nakaladlad sa itaas ng kanilang mga ulo. At sa ilalim ng kalawakan ay nakaunat ng tuwid ang kanilang mga pakpak, na ang isa ay paharap sa isa; at bawat nilalang ay may dalawang pakpak na tumatakip sa kanyang katawan sa dakong ito, at bawat isa'y may dalawa na tumatakip sa dakong iyon. Nang sila'y gumalaw, aking narinig ang pagaspas ng kanilang mga pakpak na parang ugong ng maraming tubig, parang tinig ng Makapangyarihan sa lahat, at ugong ng kaguluhan na gaya ng ingay ng isang hukbo. Kapag sila'y nakahinto, kanilang ibinababa ang kanilang mga pakpak. At may tinig na nagmula sa itaas ng kalawakan na nasa ibabaw ng kanilang mga ulo. Kapag sila'y nakahinto, kanilang ibinababa ang kanilang mga pakpak. Sa itaas ng kalawakan na nasa itaas ng kanilang mga ulo ay may kawangis ng isang trono na parang anyo ng batong zafiro. Sa ibabaw ng kawangis ng trono ay may kawangis ng isang tao na nakaupo sa itaas niyon. At nakita ko sa anyo ng kanyang balakang at paitaas ang isang bagay na tulad ng kumikinang na metal na kung pagmasdan ay gaya ng apoy sa palibot nito, at mula sa anyo ng kanyang balakang at paibaba ay nakita ko ang gaya ng apoy na may ningning sa palibot niya. Gaya ng anyo ng bahaghari na nasa ulap sa araw na maulan, gayon ang anyo ng kinang sa palibot. Gayon ang anyo ng katulad ng kaluwalhatian ng PANGINOON. Nang iyon ay aking makita, ako'y nasubasob at aking narinig ang tinig ng isang nagsasalita. Sinabi niya sa akin, "Anak ng tao, tumayo ka sa iyong mga paa, at ako'y makikipag-usap sa iyo." Nang siya'y magsalita sa akin, ang Espiritu ay pumasok sa akin at itinayo niya ako sa aking mga paa. At narinig ko siya na nagsasalita sa akin. Kanyang sinabi sa akin, "Anak ng tao, isinusugo kita sa mga anak ni Israel, sa isang bansa ng mga mapaghimagsik na naghimagsik laban sa akin. Sila at ang kanilang mga ninuno ay nagkasala laban sa akin hanggang sa araw na ito. Ang mga tao ay wala ring galang at matitigas ang ulo. Isinusugo kita sa kanila at sasabihin mo sa kanila, 'Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS.' Kung pakinggan man nila o hindi (sapagkat sila'y mapaghimagsik na sambahayan) ay malalaman nila na nagkaroon ng propeta sa gitna nila. At ikaw, anak ng tao, huwag kang matakot sa kanila, o matakot man sa kanilang mga salita, bagaman ang mga dawag at mga tinik ay kasama mo, at nauupo ka sa mga alakdan. Huwag kang matakot sa kanilang mga salita, o manlupaypay man sa kanilang harapan, sapagkat sila'y mapaghimagsik na sambahayan. yong sasabihin ang aking mga salita sa kanila, pakinggan man nila o hindi; sapagkat sila'y isang mapaghimagsik na sambahayan. "Ngunit ikaw, anak ng tao, pakinggan mo kung ano ang sinasabi ko sa iyo. Huwag kang maging mapaghimagsik na gaya niyong mapaghimagsik na sambahayan. Ibuka mo ang iyong bibig at kainin mo ang ibinibigay ko sa iyo." Nang ako'y tumingin, at narito ang isang kamay ay nakaunat sa akin at narito, isang balumbon ang nakalagay roon. Iniladlad niya iyon sa harap ko, at doon ay may nakasulat sa harapan at sa likuran, at may nakasulat doon na mga salita ng panaghoy, panangis, at mga daing. Sinabi niya sa akin, "Anak ng tao, kainin mo ang iyong natagpuan. Kainin mo ang balumbong ito, at ikaw ay humayo, magsalita ka sa sambahayan ni Israel." Kaya't ibinuka ko ang aking bibig at ipinakain niya sa akin ang balumbon. Sinabi niya sa akin, "Anak ng tao, kainin mo ito at busugin mo ang iyong tiyan." Kaya't kinain ko iyon at sa aking bibig ay naging parang pulot sa tamis. At sinabi niya sa akin, "Anak ng tao, humayo ka, pumunta ka sa sambahayan ni Israel, at magsalita ka ng aking mga salita sa kanila. Sapagkat ikaw ay hindi isinugo sa isang bayan na may ibang wika at may mahirap na salita, kundi sa sambahayan ni Israel — hindi sa maraming bayan na may ibang wika at may mahirap na salita, na ang mga salita ay hindi mo mauunawaan. Tunay na kung suguin kita sa mga iyon, papakinggan ka nila. Ngunit hindi ka papakinggan ng sambahayan ni Israel; sapagkat ayaw nila akong pakinggan: sapagkat ang buong sambahayan ni Israel ay may matigas na noo at may mapagmatigas na puso. Narito, aking pinapagmatigas ang iyong mukha laban sa kanilang mga mukha, at ang iyong noo laban sa kanilang mga noo. Ginawa kong batong matigas kaysa batong kiskisan ang iyong ulo. Huwag mo silang katakutan o manghina man sa kanilang paningin, sapagkat sila'y isang mapaghimagsik na sambahayan." Bukod dito'y sinabi niya sa akin, "Anak ng tao, lahat ng aking mga salita na aking sasabihin sa iyo ay tanggapin mo sa iyong puso, at pakinggan mo ng iyong mga pandinig. Humayo ka, pumaroon ka sa mga bihag, sa iyong mga mamamayan at sabihin mo sa kanila, 'Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS'; pakinggan man nila o hindi." Nang magkagayo'y itinaas ako ng Espiritu, aking narinig sa likuran ko ang tunog ng malakas na ugong na sinasabi, Purihin ang kaluwalhatian ng PANGINOON mula sa kanyang dako. At aking narinig ang pagaspas ng mga pakpak ng mga nilalang na may buhay habang sila'y magkakadikit, at ang tunog ng mga gulong sa tabi nila, na ang tunog ay parang malakas na ugong. Itinaas ako ng Espiritu at ako'y dinala palayo; ako'y humayong nagdaramdam na nag-iinit ang aking diwa, at ang kamay ng PANGINOON ay naging malakas sa akin. At ako'y dumating sa mga bihag sa Tel-abib, na naninirahan sa pampang ng Ilog Chebar. Ako'y umupo roon na natitigilan sa gitna nila ng pitong araw. Sa katapusan ng pitong araw, ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, "Anak ng tao, ginawa kitang bantay sa sambahayan ni Israel. Tuwing makakarinig ka ng salita mula sa aking bibig, bigyan mo sila ng babala mula sa akin. Kapag aking sinabi sa masama, 'Ikaw ay tiyak na mamamatay,' at hindi mo siya binigyan ng babala o nagsalita ka man upang bigyan ng babala ang masama mula sa kanyang masamang landas, upang iligtas ang kanyang buhay, ang gayong masamang tao ay mamamatay sa kanyang kasamaan; ngunit ang kanyang dugo ay aking sisingilin sa iyong kamay. Gayunman, kung iyong balaan ang masama at siya'y hindi tumalikod sa kanyang kasamaan, o sa kanyang masamang lakad man, siya'y mamamatay sa kanyang kasamaan; ngunit iniligtas mo ang iyong buhay. Muli, kapag ang isang taong matuwid ay lumilihis sa kanyang katuwiran at gumawa ng kasamaan, at ako'y naglagay ng katitisuran sa harap niya, siya'y mamamatay. Sapagkat hindi mo siya binalaan, siya'y mamamatay sa kanyang kasalanan, at ang matutuwid na gawa na kanyang ginawa ay hindi aalalahanin; ngunit ang kanyang dugo ay aking sisingilin sa iyong kamay. Subalit kung iyong binalaan ang taong matuwid na huwag magkasala, at siya'y hindi nagkakasala, siya'y tiyak na mabubuhay, sapagkat tinanggap niya ang babala at iyong iniligtas ang iyong buhay." At ang kamay ng PANGINOON ay sumaakin doon at sinabi niya sa akin, "Bumangon ka, lumabas ka sa kapatagan at doo'y makikipag-usap ako sa iyo." Nang magkagayo'y bumangon ako at lumabas sa kapatagan. At narito, ang kaluwalhatian ng PANGINOON ay naroon gaya ng kaluwalhatian na aking nakita sa pampang ng Ilog Chebar, at ako'y napasubasob. At pumasok sa akin ang Espiritu, at itinayo ako sa aking mga paa. Siya'y nakipag-usap sa akin, at nagsabi sa akin, "Umalis ka, magkulong ka sa loob ng iyong bahay. Ngunit ikaw, anak ng tao, lalagyan ka ng mga lubid at igagapos kang kasama nila upang ikaw ay hindi makalabas sa gitna nila. Aking padidikitin ang iyong dila sa ngalangala ng iyong bibig, upang ikaw ay mapipi, at hindi maging taong sumasaway sa kanila, sapagkat sila'y isang mapaghimagsik na sambahayan. Ngunit kapag ako'y nagsalita sa iyo, aking ibubuka ang iyong bibig, at iyong sasabihin sa kanila, 'Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS'; siyang makikinig ay makinig; at ang tatanggi ay tumanggi; sapagkat sila'y isang mapaghimagsik na sambahayan. "Ikaw naman, O anak ng tao, kumuha ka ng isang tisa at ilagay mo sa harapan mo, at gumuhit ka sa ibabaw niyon ng isang lunsod, ang Jerusalem; kubkubin mo ito, at magtayo ka ng mga pader sa tapat noon, at maglagay ka ng bunton sa tapat noon. Maglagay ka rin ng mga kampo sa tapat noon, at maglagay ka ng mga trosong pambayo sa tapat noon sa palibot. Magdala ka ng kawaling bakal, at ilagay mo iyon bilang pader na bakal sa pagitan mo at ng lunsod. Humarap ka sa dakong iyon at hayaang makubkob, at iyong pag-ibayuhin ang pagkubkob dito. Ito ay isang tanda sa sambahayan ni Israel. "Pagkatapos, humiga ka ng patagilid sa iyong kaliwa at aking ilalagay ang kaparusahan ng sambahayan ni Israel sa iyo ayon sa bilang ng mga araw na iyong inihiga roon, papasanin mo ang kanilang kaparusahan. Sapagkat aking itinakda sa iyo ang bilang ng mga araw, tatlong daan at siyamnapung araw, katumbas ng bilang ng mga taon ng kanilang kaparusahan; gayon mo katagal papasanin ang kaparusahan ng sambahayan ni Israel. Kapag natapos mo na ang mga ito, ikaw ay hihiga sa ikalawang pagkakataon, sa iyong kanang tagiliran, at iyong papasanin ang kaparusahan ng sambahayan ni Juda. Apatnapung araw ang aking itinakda sa iyo, isang araw sa bawat taon. At ikaw ay haharap sa dako ng pagkubkob ng Jerusalem, na nakalitaw ang iyong kamay; at ikaw ay magpapahayag ng propesiya laban sa lunsod. Narito, lalagyan kita ng lubid, upang ikaw ay hindi makabaling mula sa isang panig patungo sa kabila, hanggang sa matupad mo ang mga araw ng iyong pagkubkob. "Magdala ka rin ng trigo, sebada, habas, lentehas, mijo, at ng espelta, at ilagay mo sa isang sisidlan, at gawin mong tinapay. Sa panahon ng mga araw na ikaw ay nakahiga sa iyong tagiliran, tatlong daan at siyamnapung araw, kakainin mo iyon. Ang pagkain na iyong kakainin ay magiging ayon sa timbang, dalawampung siklo isang araw; tuwi-tuwina ito'y iyong kakainin. Ikaw ay iinom ng tubig ayon sa takal, na ikaanim na bahagi ng isang hin; ikaw ay iinom tuwi-tuwina. Iyong kakainin ito na parang mga munting tinapay na sebada, at iyong lulutuin sa dumi na galing sa tao sa kanilang paningin." At sinabi ng PANGINOON, "Ganito kakainin ng mga anak ni Israel ang kanilang maruming tinapay, sa gitna ng mga bansa na aking pagtatabuyan sa kanila." Nang magkagayo'y sinabi ko, 'Panginoong DIYOS! Narito, ang aking sarili ay hindi ko dinungisan. Mula sa aking pagkabata hanggang ngayon ay hindi ako kailanman kumain ng namamatay sa sarili, o nilapa ng mga hayop; o pumasok man ang kasuklamsuklam na karne sa aking bibig." Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, "Tingnan mo, hahayaan kitang gumamit ng dumi ng baka sa halip na dumi ng tao, na paglulutuan mo ng iyong tinapay." Bukod dito'y sinabi pa niya sa akin, "Anak ng tao, aking babaliin ang tungkod ng tinapay sa Jerusalem. Sila'y kakain ng tinapay ayon sa timbang at may pagkatakot; sila'y iinom ng tubig ayon sa takal at may pagbabalisa. Sapagkat magkukulang ng tinapay at tubig, at magtinginan sa isa't isa na may pagkabalisa, at manghina sa kanilang kaparusahan. "At ikaw, O anak ng tao, kumuha ka ng matalas na tabak; gamitin mo ito bilang pang-ahit ng manggugupit at iyong paraanin sa iyong ulo at sa iyong balbas. Pagkatapos, kumuha ka ng timbangang panimbang, at hatiin mo ang buhok. Ang ikatlong bahagi ay iyong susunugin sa apoy sa gitna ng lunsod, kapag ang mga araw ng pagkubkob ay naganap; at iyong kukunin ang ikatlong bahagi, at hahampasin mo ng tabak sa palibot; at ang ikatlong bahagi ay iyong ikakalat sa hangin, at aking bubunutin ang tabak sa likuran nila. At kukuha ka sa mga iyon ng kaunti, at itatali mo sa mga laylayan ng iyong balabal. Sa mga ito'y kukuha ka uli, at ihahagis mo sa gitna ng apoy, at susunugin mo sa apoy. Mula roo'y manggaling ang apoy patungo sa buong sambahayan ni Israel. Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Ito ay Jerusalem. Inilagay ko siya sa gitna ng mga bansa, at ang mga lupain ay nasa palibot niya. Ngunit siya'y naghimagsik na may kasamaan laban sa aking mga tuntunin na higit kaysa mga bansa, at laban sa aking mga batas na higit kaysa mga lupain na nasa palibot niya, sa pamamagitan ng pagtatakuwil sa mga tuntunin at hindi paglakad ayon sa aking mga batas. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Sapagkat kayo'y mas magulo kaysa mga bansa na nasa palibot ninyo, at hindi kayo lumakad sa aking mga tuntunin o iningatan man ang aking mga batas, kundi gumawa ayon sa mga batas ng mga bansa na nasa palibot ninyo; kaya't ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Ako, ako mismo, ay darating laban sa iyo. Ako'y maglalapat ng mga kahatulan sa gitna mo sa paningin ng mga bansa. At dahil sa lahat ninyong kasuklamsuklam, ay aking gagawin sa iyo ang hindi ko pa ginawa, at ang katulad nito ay di ko na muling gagawin. Kaya't kakainin ng mga magulang ang mga anak sa gitna mo, at kakainin ng mga anak ang kanilang mga magulang. Ako'y maglalapat ng mga kahatulan sa iyo; at ang lahat ng nalabi sa iyo ay aking ikakalat sa lahat ng hangin. Kaya't habang ako'y nabubuhay, sabi ng Panginoong DIYOS, ito'y tiyak, sapagkat iyong nilapastangan ang aking santuwaryo sa pamamagitan ng lahat mong kasuklamsuklam at mga karumaldumal na bagay. Kaya't ako'y lalayo sa iyo, hindi ka patatawarin ng aking paningin, at ako'y hindi mahahabag. Ang ikatlong bahagi mo ay mamamatay sa pamamagitan ng salot, at sa pamamagitan ng taggutom ay mauubos sila sa gitna mo. Ang isang ikatlong bahagi ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak sa palibot mo, at ang ikatlong bahagi ay aking ikakalat sa lahat ng hangin, at magbubunot ako ng tabak sa likuran nila. "Ganito uubusin ang aking galit, at aking lulubusin ang aking poot sa kanila, at ako'y masisiyahan. Kanilang malalaman na ako, ang PANGINOON, ay nagsalita sa aking paninibugho, kapag aking inubos ang aking poot sa kanila. Bukod dito'y gagawin kitang kasiraan at tampulan ng pagkutya sa gitna ng mga bansa na nasa palibot mo, sa paningin ng lahat ng dumaraan. Ikaw ay magiging kasiraan at pagtatawanan, isang babala at katatakutan sa mga bansang nasa palibot mo, kapag ako'y naglapat ng mga kahatulan sa iyo sa galit at sa poot kasama ang mababagsik na pagsaway — ako ang PANGINOON ang nagsalita — kapag ako'y nagpakawala sa kanila ng mga nakakamatay na pana ng taggutom, mga pana sa ikawawasak, na aking pakakawalan upang wasakin kayo, at kapag ako'y nagpadala ng higit at higit pang taggutom sa inyo, at aking babaliin ang inyong tungkod ng tinapay. Ako'y magpapadala sa inyo ng taggutom at mababangis na hayop, at kanilang aalisan ka ng anak. Salot at dugo ang daraan sa iyo; at aking pararatingin ang tabak sa iyo. Ako, ang PANGINOON ang nagsalita." Ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi; "O anak ng tao, humarap ka sa mga bundok ng Israel, at ikaw ay magpahayag ng propesiya laban sa mga iyon, at magsabi, Kayong mga bundok ng Israel, pakinggan ninyo ang salita ng Panginoong DIYOS. Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS sa mga bundok, sa mga burol, sa mga batis at sa mga libis: Narito, ako, ako mismo ay magdadala ng tabak sa inyo, at aking wawasakin ang inyong matataas na dako. Ang inyong mga dambana ay masisira, at ang inyong mga dambana ng insenso ay mawawasak. Aking ibabagsak ang inyong mga patay sa harapan ng inyong mga diyus-diyosan. Aking ilalapag ang mga bangkay ng mga anak ni Israel sa harapan ng kanilang mga diyus-diyosan, at aking ikakalat ang inyong mga buto sa palibot ng inyong mga dambana. Saanman kayo manirahan ay magiging sira ang inyong mga lunsod at ang inyong matataas na dako ay masisira, anupa't ang inyong mga dambana ay mawawasak at magigiba. Ang inyong mga diyus-diyosan ay mababasag at madudurog, ang inyong mga dambana ng insenso ay babagsak, at ang inyong mga gawa ay mawawala. Ang mga napatay ay mabubuwal sa gitna ninyo, at inyong malalaman na ako ang PANGINOON. "Gayunman, iiwan kong buhay ang ilan sa inyo. Ang ilan sa inyo ay makakatakas sa tabak sa gitna ng mga bansa at mangangalat sa mga lupain. Silang nakatakas sa inyo ay maaalala ako sa gitna ng mga bansa na pinagdalhan sa kanila bilang bihag, gayon ako nasaktan ng kanilang mapangalunyang puso na lumayo sa akin, at ng kanilang mga mata, na may kasamaang bumaling sa kanilang mga diyus-diyosan. Sila'y magiging kasuklamsuklam sa kanilang sariling paningin dahil sa mga kasamaan na kanilang nagawa sa lahat nilang kasuklamsuklam. At kanilang malalaman na ako ang PANGINOON; hindi ako nagsalita ng walang kabuluhan upang aking dalhin ang kapahamakang ito sa kanila." Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: "Ipalakpak mo ang iyong mga kamay, ipadyak mo ang iyong mga paa, at iyong sabihin, Kahabag-habag sila! Dahil sa lahat ng masamang kasuklamsuklam ng sambahayan ni Israel! Sapagkat sila'y mabubuwal sa pamamagitan ng tabak, ng taggutom, at ng salot. Ang malayo ay mamamatay sa salot, at ang malapit ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak. Ang nalabi at nakubkob ay mamamatay sa pamamagitan ng taggutom. Ganito ko ibubuhos ang aking poot sa kanila. Inyong malalaman na ako ang PANGINOON, kapag ang kanilang mga patay na tao ay nakahandusay na kasama ng kanilang mga diyus-diyosan sa palibot ng kanilang mga dambana, sa ibabaw ng bawat mataas na burol, sa lahat ng tuktok ng mga bundok, sa ilalim ng bawat sariwang punungkahoy, at sa ilalim ng bawat mayabong na ensina na kanilang pinaghandugan ng mabangong samyo sa lahat nilang mga diyus-diyosan. Sa lahat ng kanilang tirahan, aking iuunat ang kamay ko laban sa kanila, at gagawin kong sira at giba ang kanilang lupain, mula sa ilang hanggang sa Ribla. At kanilang malalaman na ako ang PANGINOON." Bukod dito'y, ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi: "O anak ng tao, ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS sa lupain ng Israel: Wakas na! Ang wakas ay dumating na sa apat na sulok ng lupain. Ngayon ang wakas ay sumasaiyo, at aking pararatingin ang aking galit sa iyo, at hahatulan kita ayon sa iyong mga lakad; at dadalhin ko sa iyo ang lahat ng iyong kasuklamsuklam. Hindi ka patatawarin ng aking mata, o kahahabagan man kita, kundi aking parurusahan ka dahil sa iyong mga ginagawa, habang ang iyong mga kasuklamsuklam ay nasa iyong kalagitnaan. At iyong malalaman na ako ang PANGINOON. "Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Kapahamakan, tanging kapahamakan: Narito, ito'y dumarating. Ang wakas ay dumating na, ang wakas ay dumating na; ito'y gumigising laban sa iyo. Narito, ito'y dumarating. Ang iyong kapahamakan ay dumating na sa iyo, O naninirahan sa lupain. Ang panahon ay dumating na, ang araw ay malapit na, araw ng pagkakagulo, at hindi ng kagalakang may sigawan sa ibabaw ng mga bundok. Malapit ko na ngayong ibuhos sa iyo ang aking poot, at aking uubusin ang aking galit laban sa iyo, at hahatulan kita ayon sa iyong mga lakad, at dadalhin ko sa iyo ang lahat ng iyong kasuklamsuklam. Ang aking mata ay hindi magpapatawad, o mahahabag man ako. Parurusahan kita ayon sa iyong mga lakad; samantalang ang iyong mga kasuklamsuklam ay nasa kalagitnaan mo. At inyong malalaman na ako ang PANGINOON na nananakit. "Narito ang araw! Narito, dumarating ito. Ang iyong kapahamakan ay dumating na, ang tungkod ay namulaklak, ang kapalaluan ay sumibol. Ang karahasan ay tumubo na naging pamalo ng kasamaan. Walang malalabi sa kanila, wala kahit sa mga tao, ni kayamanan man, at hindi magkakaroon ng karangalan sa kanila. Ang panahon ay dumating na, ang araw ay nalalapit. Huwag magalak ang mamimili, o tumangis man ang nagtitinda, sapagkat ang poot ay nasa lahat nilang karamihan. Gayon nga hindi na babalikan ng nagtitinda ang kanyang ipinagbili, habang sila'y buhay pa. Sapagkat ang pangitain ay nasa lahat nilang karamihan. Hindi iyon babalik; at dahil sa kanyang kasamaan, walang makapagpapanatili ng kanyang buhay. "Hinipan na nila ang trumpeta at naihanda na ang lahat. Ngunit walang pumaroon sa labanan sapagkat ang aking poot ay laban sa lahat nilang karamihan. Ang tabak ay nasa labas, ang salot at ang taggutom ay nasa loob. Siyang nasa parang ay namatay sa tabak; at siyang nasa lunsod ay nilamon ng taggutom at salot. At kung makatakas ang sinumang nakaligtas, sila'y mapupunta sa mga bundok, na parang mga kalapati sa mga libis. Silang lahat ay tumatangis, bawat isa dahil sa kanyang kasamaan. Lahat ng mga kamay ay manghihina, at lahat ng mga tuhod ay manlalata gaya ng tubig. Sila'y nagbigkis ng damit-sako at sinakluban sila ng pagkatakot. Ang pagkahiya ay nasa lahat ng mukha, at ang pagkakalbo sa lahat nilang ulo. Kanilang inihahagis ang kanilang pilak sa mga lansangan, at ang kanilang ginto ay magiging parang isang maruming bagay. Ang kanilang pilak at ginto ay hindi makapagliligtas sa kanila sa araw ng poot ng PANGINOON. Hindi nila mapapawi ang kanilang pagkagutom o mabubusog man ang kanilang mga tiyan, sapagkat iyon ay katitisuran ng kanilang kasamaan. Ang kanilang magandang panggayak ay ginamit nila sa kahambugan, at ang mga ito'y ginawa nilang mga larawang kasuklamsuklam at karumaldumal na mga bagay. Kaya't gagawin ko ito na maruming bagay para sa kanila. At aking ibibigay ito sa mga kamay ng mga dayuhan bilang biktima, at sa masasama sa lupa bilang samsam; at kanilang lalapastanganin ito. Tatalikuran ko sila, at kanilang lalapastanganin ang aking lihim na dako. Ang mga magnanakaw ay magsisipasok doon at lalapastanganin. Gumawa ka ng tanikala! "Sapagkat ang lupain ay puno ng madudugong krimen, at ang lunsod ay puno ng karahasan. Kaya't aking dadalhin ang pinakamasasama sa mga bansa upang angkinin ang kanilang mga bahay. Aking wawakasan ang kanilang palalong kalakasan, at ang kanilang mga dakong banal ay lalapastanganin. Kapag dumating ang kapighatian, sila'y maghahanap ng kapayapaan, ngunit hindi magkakaroon. Sunud-sunod na darating ang kapahamakan at bulung-bulungan. Maghahanap sila ng pangitain mula sa propeta; ngunit ang kautusa'y nawawala mula sa pari, at ang payo mula sa matatanda. Ang hari ay tatangis, at ang pinuno ay madadamitan ng pagkatakot, at ang mga kamay ng mga tao ng lupain ay manginginig. Aking gagawin sa kanila ang ayon sa kanilang lakad, at ayon sa kanilang kahatulan ay hahatulan ko sila. At kanilang malalaman na ako ang PANGINOON." Nang ikalimang araw ng ikaanim na buwan ng ikaanim na taon, samantalang ako'y nakaupo sa aking bahay, kasama ang matatanda ng Juda na nakaupo sa harapan ko, ang kamay ng Panginoong DIYOS ay dumating sa akin doon. Tumingin ako, at narito, may isang anyo na parang tao. Mula sa anyong parang kanyang mga balakang at pababa ay apoy; at mula sa kanyang mga balakang at paitaas ay parang anyo ng kakinangan, na parang tansong kumikinang. Kanyang inilabas ang anyo ng isang kamay, at hinawakan ako sa buhok ng aking ulo. Itinaas ako ng Espiritu sa pagitan ng lupa at ng langit, at dinala ako sa mga pangitain na mula sa Diyos sa Jerusalem, sa pasukan ng pintuan ng bulwagan sa loob na nakaharap sa dakong hilaga, na kinaroroonan ng upuan ng larawan ng panibugho, na nagbubunsod sa paninibugho. At narito, ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay naroon, gaya ng anyo na aking nakita sa kapatagan. Pagkatapos ay sinabi niya sa akin, "Anak ng tao, itingin mo ang iyong mga mata sa dakong hilaga." Sa gayo'y tumingin ako sa dakong hilaga, at naroon sa dakong hilaga ng pintuan ng dambana, sa pasukan, itong larawan ng panibugho. Sinabi niya sa akin, "Anak ng tao, nakikita mo ba ang kanilang ginagawa? ang malaking kasuklamsuklam na ginagawa dito ng sambahayan ni Israel, upang ako'y palayasin sa aking santuwaryo? Ngunit makakakita ka pa nang higit na malalaking kasuklamsuklam." Dinala niya ako sa pintuan ng bulwagan; at nang ako'y tumingin, narito, may isang butas sa pader. Sinabi niya sa akin, "Anak ng tao, humukay ka sa pader;" at nang ako'y humukay sa pader, at narito, isang pintuan. Sinabi niya sa akin, "Ikaw ay pumasok, at tingnan mo ang masasamang kasuklamsuklam na kanilang ginagawa rito." Sa gayo'y pumasok ako at tumingin. Doon ay nakaukit sa pader sa palibot, ang bawat anyo ng umuusad na mga bagay, kasuklamsuklam na mga hayop, at lahat ng mga diyus-diyosan ng sambahayan ni Israel. Nakatayo sa harapan nila ang pitumpung lalaki na matatanda ng sambahayan ni Israel; at sa gitna nila ay nakatayo si Jaazanias na anak ni Safan. Bawat isa ay may kanyang sunugan ng insenso sa kanyang kamay, at ang amoy ng usok ng insenso ay pumailanglang. Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, "Anak ng tao, nakikita mo ba kung anong ginagawa sa dilim ng matatanda ng sambahayan ni Israel, bawat isa'y sa kanyang silid ng mga larawan? Sapagkat kanilang sinasabi, 'Hindi tayo nakikita ng PANGINOON; pinabayaan na ng PANGINOON ang lupa.'" Sinabi rin niya sa akin, "Makakakita ka pa ng ibang mas malalaking kasuklamsuklam na kanilang ginagawa." Nang magkagayo'y dinala niya ako sa pasukan ng pintuan ng bahay ng PANGINOON na nasa dakong hilaga, at narito, doo'y nakaupo ang mga babae na iniiyakan si Tammuz. Sinabi niya sa akin, "Nakita mo na ba ito, O anak ng tao? Makakakita ka pa ng lalong malalaking kasuklamsuklam kaysa mga ito." At dinala niya ako sa loob ng bulwagan sa bahay ng PANGINOON; at narito, sa pintuan ng templo ng PANGINOON, sa pagitan ng malaking pintuan at dambana ay may dalawampu't limang lalaki na nakatalikod sa dako ng templo ng PANGINOON, at nakaharap ang kanilang mukha sa dakong silangan; at kanilang sinasamba ang araw sa dakong silangan. Sinabi niya sa akin, "Nakita mo na ba ito, O anak ng tao? Napakaliit bang bagay para sa sambahayan ni Juda na sila'y. gumawa ng mga kasuklamsuklam na kanilang ginagawa dito, na kanilang pinupuno ng karahasan ang lupa, at ibinubunsod pa nila ako sa higit na pagkagalit? Tingnan mo, kanilang inilalagay ang sanga sa kanilang ilong. Kaya't ako'y tunay na makikitungo na may poot; ang aking mata ay hindi magpapatawad, o mahahabag man ako. Bagaman sila'y manangis sa aking pandinig ng malakas na tinig, hindi ko sila papakinggan." Nang magkagayo'y sumigaw siya sa aking pandinig nang malakas na tinig, na nagsasabi, "Lumapit kayo, kayo na mga tagapagparusa sa lunsod, na bawat isa'y may kanyang pamatay na sandata sa kanyang kamay." Narito, anim na lalaki ang dumating mula sa dako ng pintuan sa itaas, na nakaharap sa hilaga. Bawat isa'y may kanyang sandatang pamatay sa kanyang kamay, at kasama nila ang isang lalaki na nakadamit ng telang lino, na may lalagyan ng panulat sa kanyang balakang. At sila'y pumasok at tumayo sa tabi ng tansong dambana. Ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay pumailanglang mula sa kerubin, na kinapapatungan hanggang sa pintuan ng bahay. At kanyang tinawag ang lalaking nakadamit ng telang lino, na may lalagyan ng panulat sa kanyang balakang. At sinabi ng PANGINOON sa kanya, "Pumasok ka sa lunsod, sa loob ng Jerusalem, at lagyan mo ng mga tanda ang mga noo ng mga taong nagbubuntong-hininga at dumadaing dahil sa lahat na kasuklamsuklam na nagawa roon." Sa iba ay sinabi niya sa aking pandinig, "Dumaan kayo sa lunsod na kasunod niya, at manakit kayo; huwag magpatawad ang inyong mata, at huwag kayong magpakita ng habag. Patayin ninyo agad ang matatanda, ang mga binata, mga dalaga, mga bata at ang mga babae; ngunit huwag ninyong gagalawin ang sinumang may tanda. At magsimula kayo sa aking santuwaryo." Nang magkagayo'y kanilang pinasimulan sa matatandang lalaki na nasa harap ng bahay. Sinabi niya sa kanila, "Lapastanganin ninyo ang bahay, at punuin ninyo ng patay ang mga bulwagan. Magsilabas kayo." At sila'y nagsilabas at pumatay sa lunsod. Habang sila'y pumapatay, at ako'y naiwan, ako'y nasubasob at sumigaw, at aking sinabi, "O Panginoong DlYOS! Iyo bang lilipulin ang lahat ng nalabi sa Israel, sa pagbubuhos mo ng iyong poot sa Jerusalem?" Sinabi niya sa akin, "Ang kasalanan ng sambahayan ng Israel at ng Juda ay totoong malaki, at ang lupain ay puno ng dugo, at ang lunsod ay puno ng kasuwailan; sapagkat kanilang sinasabi, 'Pinabayaan ng PANGINOON ang lupa, at hindi nakikita ng PANGINOON!' Tungkol naman sa akin, ang aking mata ay hindi magpapatawad o mahahabag man, kundi aking gagantihin ang kanilang mga gawa sa ibabaw ng kanilang mga ulo." At ang lalaking nakadamit ng telang lino, at may lalagyan ng panulat sa kanyang balakang ay nagpasabi, "Nagawa ko na ang ayon sa iniutos mo sa akin." Nang magkagayo'y tumingin ako, at narito, sa langit na nasa ulunan ng mga kerubin ay may nagpakita na parang isang batong zafiro, na ang anyo parang isang trono. Sinabi niya sa lalaki na nakadamit ng telang lino, "Pumasok ka sa pagitan ng umiikot na mga gulong sa ilalim ng kerubin. Punuin mo ang iyong mga kamay ng mga bagang nagbabaga mula sa pagitan ng mga kerubin, at ikalat mo sa buong lunsod." At umalis siya sa harapan ko. Ang mga kerubin ay nakatayo sa dakong kanan ng bahay, nang ang lalaki ay pumasok; at pinuno ng ulap ang loob ng bulwagan. Ang kaluwalhatian ng PANGINOON ay pumailanglang mula sa kerubin hanggang sa pintuan ng bahay. Ang bahay ay napuno ng ulap, at ang bulwagan ay napuno ng ningning ng kaluwalhatian ng PANGINOON. At ang tunog ng pagaspas ng mga pakpak ng mga kerubin ay narinig hanggang sa labas ng bulwagan, na gaya ng tinig ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat kapag siya'y nagsasalita. Nang kanyang utusan ang lalaking nakadamit ng telang lino, "Kumuha ka ng apoy sa pagitan ng umiikot na mga gulong, sa pagitan ng mga kerubin," siya'y pumasok at tumayo sa tabi ng isang gulong. Iniunat ng isang kerubin ang kanyang kamay mula sa gitna ng mga kerubin sa apoy na nasa gitna ng mga kerubin, kumuha niyon, at inilagay sa mga kamay ng nakadamit ng telang lino na kumuha niyon at lumabas. Ang kerubin ay may anyo ng kamay ng isang tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak. Ako'y tumingin, at narito, may apat na gulong sa tabi ng mga kerubin, isa sa bawat tabi ng isang kerubin, at ang anyo ng mga gulong ay gaya ng kulay ng batong berilo. Tungkol sa kanilang anyo, ang apat ay magkakawangis na para bang isang gulong na nasa loob ng isang gulong. Kapag ang mga ito'y umiikot, umiikot sila sa alinman sa apat na dako na hindi nagsisipihit habang umiikot, kundi saanmang panig humarap ang gulong sa harap, sumusunod ang iba na hindi pumipihit habang umiikot. Ang kanilang buong katawan, at kanilang mga likod, at ang kanilang mga kamay, at ang kanilang mga pakpak at ang kanilang mga gulong ay puno ng mga mata sa palibot. Tungkol sa mga gulong, tinawag sila sa aking pandinig, "ang umiikot na mga gulong." Bawat isa'y may apat na mukha: ang unang mukha ay mukha ng kerubin, ang ikalawang mukha ay mukha ng tao, ang ikatlo ay mukha ng leon, at ang ikaapat ay mukha ng isang agila. At ang mga kerubin ay pumaitaas. Ito ang mga nilalang na may buhay na aking nakita sa baybayin ng Ilog Chebar. Kapag kumilos ang mga kerubin, ang mga gulong ay gumagalaw na katabi nila; at kapag itinaas ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak upang pumaitaas mula sa lupa, ang mga gulong naman ay hindi pumihit sa tabi nila. Kapag ang mga kerubin ay nakahinto, ang mga gulong ay humihinto, at kapag sila'y pumapaitaas, ang mga gulong ay pumapaitaas na kasama nila, sapagkat ang espiritu ng mga nilalang na may buhay ay nasa mga iyon. At ang kaluwalhatian ng PANGINOON ay lumabas mula sa pintuan ng bahay, at tumayo sa ibabaw ng mga kerubin. Itinaas ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak, at lumipad mula sa lupa sa aking paningin habang sila'y humahayong kasama ng mga gulong sa tabi nila. At sila'y tumayo sa silangang pintuan ng bahay ng PANGINOON; at ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay nasa itaas nila. Ito ang mga nilalang na may buhay na aking nakita sa ilalim ng Diyos ng Israel sa baybayin ng Ilog Chebar; at nalaman ko na sila'y mga kerubin. Bawat isa'y may apat na mukha at apat na pakpak; at ang anyo ng mga kamay ng tao ay nasa ilalim ng kanilang mga pakpak. Tungkol sa anyo ng kanilang mga mukha, ito rin ang mga mukha na aking nakita sa baybayin ng Ilog Chebar. Bawat isa'y nagpatuloy sa paglakad. Bukod dito'y, tinaas ako ng Espiritu, at dinala ako sa silangang pintuan ng bahay ng PANGINOON, na nakaharap sa dakong silangan. Sa pasukan ng pintuan ay mayroong dalawampu't limang lalaki. At nakita ko na kasama nila si Jaazanias na anak ni Azur, at si Pelatias na anak ni Benaya, na mga pinuno ng bayan. Sinabi niya sa akin, "Anak ng tao, ito ang mga lalaki na nagbabalak ng kasamaan, at nagbibigay ng masamang payo sa lunsod na ito; na nagsasabi, 'Hindi pa malapit ang panahon sa pagtatayo ng mga bahay; ang lunsod na ito ang kaldero, at tayo ang karne.' Kaya't magsalita ka ng propesiya laban sa kanila, magsalita ka ng propesiya, O anak ng tao." Ang Espiritu ng PANGINOON ay dumating sa akin, at sinabi niya sa akin, "Sabihin mo, Ganito ang sabi ng PANGINOON: Ito ang inyong iniisip, O sambahayan ni Israel; nalalaman ko ang mga bagay na pumasok sa inyong isip. Pinarami ninyo ang inyong pinatay sa lunsod na ito, at inyong pinuno ang mga lansangan nito ng mga patay. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Ang inyong mga patay na ibinulagta ninyo sa gitna nito ay mga karne, at ang lunsod na ito ay siyang kaldero; ngunit kayo'y ilalabas ko sa gitna nito. Kayo'y natakot sa tabak at aking pararatingin ang tabak sa inyo, sabi ng Panginoong DIYOS. At aking ilalabas kayo sa gitna ng lunsod, at ibibigay ko kayo sa mga kamay ng mga dayuhan, at maglalapat ako ng mga hatol sa inyo. Kayo'y mamamatay sa pamamagitan ng tabak. Aking hahatulan kayo sa hangganan ng Israel; at inyong malalaman na ako ang PANGINOON. Ang lunsod na ito ay hindi magiging inyong kaldero, o kayo man ay magiging karne sa gitna nito. Aking hahatulan kayo sa hangganan ng Israel. At inyong malalaman na ako ang PANGINOON, na ang mga tuntunin ay hindi ninyo sinunod, o inyo mang isinagawa ang aking mga batas, kundi kayo'y namuhay ng ayon sa mga kaugalian ng mga bansa na nasa palibot ninyo." Nang ako'y nagsasalita ng propesiya, si Pelatias na anak ni Benaya ay namatay. Nang magkagayo'y nasubasob ako, at ako'y sumigaw nang malakas, at aking sinabi, "Ah Panginoong DIYOS! Ganap mo na bang tatapusin ang nalabi ng Israel?" At ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, ang iyong mga kapatid, ang iyong sariling mga kamag-anak, ang kapwa mo mga bihag, ang buong sambahayan ni Israel, silang lahat ay ang mga pinagsabihan ng mga naninirahan sa Jerusalem, 'Lumayo na sila nang malayo sa PANGINOON; sa amin ay ibinigay ang lupaing ito bilang ari-arian.' Kaya't iyong sabihin, 'Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Bagaman sila'y aking inilayo sa gitna ng mga bansa, at bagaman ikinalat ko sila sa gitna ng mga lupain, gayunman ako'y naging santuwaryo nila sa sandaling panahon sa mga lupain na kanilang pinuntahan.' Kaya't iyong sabihin, 'Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Aking titipunin kayo mula sa mga bayan, at sa mga lupain na inyong pinangalatan, at aking ibibigay sa inyo ang lupain ng Israel.' At kapag sila'y pumaroon, kanilang aalisin ang lahat na karumal-dumal na mga bagay roon, at ang lahat ng kasuklamsuklam niyon. Bibigyan ko sila ng isang puso, at lalagyan ko sila ng bagong espiritu. Aalisin ang batong puso sa kanilang laman, at aking bibigyan sila ng pusong laman, upang sila'y makasunod sa aking mga tuntunin, at maganap ang aking mga batas at magawa ang mga iyon. Sila'y magiging aking bayan at ako'y magiging kanilang Diyos. Ngunit tungkol sa kanila na ang puso ay sumunod ayon sa kanilang mga karumaldumal na mga bagay, at sa kanilang mga kasuklamsuklam, aking dadalhin ang kanilang mga gawa sa ibabaw ng kanilang sariling mga ulo, sabi ng Panginoong DIYOS." Pagkatapos nito, itinaas ng mga kerubin ang kanilang mga pakpak at ang mga gulong na nasa tabi nila; at ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay nasa itaas ng mga iyon. At ang kaluwalhatian ng PANGINOON ay pumailanglang mula sa gitna ng lunsod, at huminto sa ibabaw ng bundok na nasa dakong silangan ng lunsod. Itinaas ako ng Espiritu, at dinala ako sa pangitain sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos sa mga bihag na nasa Caldea. At iniwan ako ng pangitain na aking nakita. At sinabi ko sa mga bihag ang lahat ng mga bagay na ipinakita sa akin ng PANGINOON. Ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, ikaw ay naninirahan sa gitna ng isang mapaghimagsik na sambahayan na may mga mata upang makakita, ngunit hindi nakakakita; na may mga tainga upang makarinig, ngunit hindi makarinig; sapagkat sila'y isang mapaghimagsik na sambahayan. Dahil dito, anak ng tao, maghanda ka ng dala-dalahan ng bihag. Habang maliwanag pa ang araw ay pumunta ka sa pagkabihag na nakikita nila. Ikaw ay lalakad na gaya ng bihag mula sa iyong lugar hanggang sa ibang lugar na nakikita nila. Baka sakaling kanilang maunawaan ito, bagaman sila'y isang mapaghimagsik na sambahayan. Ilalabas mo ang iyong dala-dalahan kapag araw na nakikita nila, bilang dala-dalahan sa pagkabihag. Ikaw ay lalabas sa hapon na kanilang nakikita na gaya ng mga tao na dapat tumungo sa pagkabihag. Bumutas ka sa pader na nakatingin sila at lumabas ka sa pamamagitan niyon. Habang nakatingin sila ay iyong papasanin ang daladalahan sa iyong balikat, at dadalhing papalabas sa dilim. Tatakpan mo ang iyong mukha upang hindi mo makita ang lupa: sapagkat ginawa kitang isang tanda sa sambahayan ni Israel." At aking ginawa ang ayon sa iniutos sa akin. Inilabas ko ang aking dala-dalahan nang araw, na gaya ng dala-dalahan sa pagkabihag, at nang hapon ay bumutas ako sa pader sa pamamagitan ng aking kamay. Lumabas ako sa dilim, at pinasan ko sa aking balikat ang aking kagamitan habang sila'y nakatingin. Kinaumagahan, dumating ang salita ng PANGINOON sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, hindi ba ang sambahayan ni Israel, ang mapaghimagsik na sambahayan, ay nagsabi sa iyo, 'Anong ginagawa mo?' Sabihin mo sa kanila, 'Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Ang pahayag na ito ay tungkol sa pinuno ng Jerusalem at sa buong sambahayan ni Israel na nasa gitna nila.' Sabihin mo, Ako'y inyong tanda: kung ano ang aking ginawa, gayon ang gagawin sa kanila; sila'y patungo sa pagkabihag, sa pagkatapon.' Ang pinuno na nasa gitna nila ay magpapasan ng kanyang dala-dalahan sa kanyang balikat sa dilim, at lalabas. Bubutasin nila ang pader at lalabas doon. Siya'y magtatakip ng kanyang mukha, upang hindi niya makita ang lupa. At ilaladlad ko ang aking lambat sa ibabaw niya, at siya'y mahuhuli sa aking bitag. Aking dadalhin siya sa Babilonia sa lupain ng mga Caldeo; gayunma'y hindi niya ito makikita, at siya'y mamamatay doon. Aking pangangalatin sa bawat dako ang lahat ng nasa palibot niya, ang kanyang mga katulong, at ang lahat niyang mga pulutong. At aking huhugutin ang tabak sa likuran nila. Kanilang malalaman na ako ang PANGINOON, kapag sila'y aking pinangalat sa gitna ng mga bayan at mga bansa. Ngunit hahayaan kong makatakas sa tabak ang ilan sa kanila, sa taggutom at sa salot, upang kanilang maipahayag ang lahat nilang kasuklamsuklam sa gitna ng mga bansa na kanilang pinaroroonan. At kanilang malalaman na ako ang PANGINOON." Bukod dito'y ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi: "Anak ng tao, kainin mo ang iyong tinapay na may panginginig, at inumin mo ang iyong tubig na may pangangatal at may pagkatakot. At sabihin mo sa mga mamamayan ng lupain, 'Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS tungkol sa mga naninirahan sa Jerusalem sa lupain ng Israel: Kanilang kakainin na may pagkatakot ang kanilang tinapay, at nanlulupaypay na iinom ng kanilang tubig, sapagkat ang kanyang lupain ay mawawalan ng lahat nitong laman dahil sa karahasan ng lahat na naninirahan doon. Ang mga lunsod na tinitirhan ay mawawasak at ang lupain ay masisira; at inyong malalaman na ako ang PANGINOON.'" At ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, 'Anak ng tao, ano ang kawikaang ito na mayroon ka tungkol sa lupain ng Israel, na sinasabi, Ang mga araw ay tumatagal, at ang bawat pangitain ay nawawalang kabuluhan'? Kaya't sabihin mo sa kanila, 'Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Wawakasan ko ang kawikaang ito, at hindi na gagamitin pang kawikaan sa Israel.' Ngunit sabihin mo sa kanila, Ang mga araw ay malapit na, at ang katuparan ng bawat pangitain. Sapagkat hindi na magkakaroon pa ng anumang huwad na pangitain o ng di tunay na panghuhula sa loob ng sambahayan ni Israel. Sapagkat ako na PANGINOON ay magsasalita ng salita na aking sasalitain, at ito ay matutupad. Hindi na ito magtatagal pa, ngunit sa inyong mga araw, O mapaghimagsikna sambahayan, aking sasalitain ang salita, at aking tutuparin, sabi ng Panginoong DIYOS.'" Ang salita ng PANGINOON ay muling dumating sa akin, na sinasabi, 'Anak ng tao, narito, silang nasa sambahayan ni Israel ay nagsasabi, Ang pangitain na kanyang nakikita ay sa darating pang maraming mga araw, at siya'y nagsasalita ng propesiya sa mga panahong malayo.' Kaya't sabihin mo sa kanila, 'Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Hindi na magtatagal pa ang aking mga salita, kundi ang salita na aking sinasalita ay matutupad, sabi ng PANGINOON.'" At ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, magsalita ka ng propesiya laban sa mga propeta ng Israel na nagsasalita ng propesiya, at sabihin mo sa kanila na nagsasalita ng propesiya mula sa kanilang sariling isipan: 'Pakinggan ninyo ang salita ng PANGINOON!' Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Kahabag-habag ang mga hangal na propeta na sumusunod sa kanilang sariling espiritu, at walang nakitang anuman! O Israel, ang iyong mga propeta ay naging parang mga asong-gubat sa mga gibang dako. Kayo'y hindi sumampa sa mga sira, o iginawa man ninyo ng kuta ang sambahayan ni Israel, upang siya'y makatayo sa pakikipaglaban sa araw ng PANGINOON. Sila'y nagsalita ng kabulaanan at nanghula ng kasinungalingan. Kanilang sinasabi, 'Sabi ng PANGINOON;' bagaman hindi sila sinugo ng PANGINOON, gayunma'y naghihintay sila sa katuparan ng kanilang mga salita. Hindi ba kayo nakakita ng huwad na pangitain, at hindi ba kayo nagsalita ng kasinungalingang panghuhula, tuwing inyong sasabihin, 'Sabi ng PANGINOON', bagaman hindi ko sinalita?" Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: "Sapagkat kayo'y nagsalita ng kabulaanan at nakakita ng mga kasinungalingan, kaya't narito, ako'y laban sa inyo, sabi ng Panginoong DIYOS. At ang aking kamay ay magiging laban sa mga propeta na nakakakita ng mga huwad na pangitain at nagbigay ng sinungaling na panghuhula. Sila'y hindi mapapasama sa kapulungan ng aking bayan, o matatala man sa talaan ng sambahayan ni Israel, ni sila man ay papasok sa lupain ng Israel; at inyong malalaman na ako ang Panginoong DIYOS. Sapagkat sa katotohanan, sapagkat kanilang iniligaw ang aking bayan, na sinasabi, 'Kapayapaan;' ngunit walang kapayapaan; at sapagkat, nang ang bayan ay magtatayo ng kuta, narito tinapalan ito ng apog. Sabihin mo sa kanila na nagtatapal ng apog na iyon ay babagsak. Magkakaroon ng malakas na ulan; malalaking granizo ang babagsak, at isang unos na hangin ang darating. At kapag ang kuta ay bumagsak, hindi ba sasabihin sa inyo, 'Nasaan ang tapal na inyong itinapal?' Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Ako'y magpaparating ng unos na hangin dahil sa aking galit; at magkakaroon ng bugso ng ulan dahil sa aking pagkagalit, at malalaking mga granizo upang wasakin iyon. Ibabagsak ko at ilalagpak sa lupa ang kuta na inyong tinapalan ng apog, upang ang pundasyon niyon ay lilitaw. Kapag iyon ay bumagsak, kayo'y malilipol sa gitna niyon, at inyong malalaman na ako ang PANGINOON. Ganito ko gagamitin ang aking poot sa pader, at sa nagtapal ng apog; at sasabihin ko sa iyo: Ang pader ay wala na, ni ang nagtapal man; ito ang mga propeta ng Israel na nagsalita ng propesiya tungkol sa Jerusalem at nakakakita ng pangitain ng kapayapaan para sa bayan, ngunit walang kapayapaan, sabi ng Panginoong DIYOS. "At ikaw, anak ng tao, humarap ka laban sa mga anak na babae ng iyong bayan, na nagsasalita ng propesiya mula sa kanilang sariling isipan, at magsalita ka ng propesiya laban sa kanila, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Kahabag-habag ang mga babae na nananahi ng mga bendang para sa pulsuhan, at nagsisigawa ng mga lambong na para sa ulo ng mga taong may iba't ibang sukat upang manghuli ng mga kaluluwa! Huhulihin ba ninyo ang mga kaluluwa ng aking bayan, at hahayaang buhay ang ibang mga kaluluwa para sa inyong pakinabang? Inyong nilapastangan ako sa gitna ng aking bayan dahil sa ilang dakot na sebada at ilang pirasong tinapay. Inyong ipinapatay ang mga taong hindi marapat mamatay at upang hayaang mabuhay ang mga taong hindi marapat mabuhay, sa pamamagitan ng inyong mga kasinungalingan sa aking bayan na nakikinig sa mga kasinungalingan. "Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Ako'y laban sa inyong mga benda na inyong ipinanghuhuli ng mga buhay, at pupunitin ko sila mula sa inyong mga kamay. Aking palalayain ang mga kaluluwa na inyong hinuli na gaya ng mga ibon. Sisirain ko rin ang inyong mga lambong, at ililigtas ko ang aking bayan mula sa inyong kamay, at hindi na sila mapapasa inyong kamay bilang biktima, at inyong malalaman na ako ang PANGINOON. Sapagkat sa pamamagitan ng kasinungalingan ay inyong pinapanghina ang puso ng matuwid, bagaman hindi ko siya pinapanghina. Inyong pinalakas ang masama, upang huwag humiwalay sa kanyang masamang lakad upang iligtas ang kanyang buhay. Kaya't hindi na kayo makakakita ng mapanligaw na pangitain o manghuhula man. Ililigtas ko ang aking bayan mula sa inyong kamay, at inyong malalaman na ako ang PANGINOON." Nang magkagayo'y lumapit sa akin ang ilan sa matatanda ng Israel, at naupo sa harapan ko. At ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, inilagay ng mga lalaking ito ang kanilang mga diyus-diyosan sa kanilang mga puso, at inilagay ang katitisuran ng kanilang kasamaan sa kanilang harapan. Hahayaan ko bang sumangguni sila sa akin? Kaya't magsalita ka sa kanila, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Sinumang tao sa sambahayan ni Israel na may kanyang mga diyus-diyosan sa kanyang puso, at naglalagay ng katitisuran ng kanyang kasamaan sa kanyang harapan at gayunma'y lumalapit sa propeta, akong PANGINOON ay sasagot sa kanya, dahil sa karamihan ng kanyang mga diyus-diyosan; upang aking mahawakan ang mga puso ng sambahayan ni Israel, na nagsilayo sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan. "Kaya't sabihin mo sa sambahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Magsisi kayo, at kayo'y tumalikod sa inyong mga diyus-diyosan; at lumayo kayo sa lahat ninyong kasuklamsuklam. Sapagkat sinuman sa sambahayan ni Israel, o sa mga dayuhan na nangingibang bayan sa Israel, na humiwalay sa akin, at nagtataglay ng kanyang mga diyus-diyosan sa kanyang puso, at naglalagay ng kanyang kasamaan bilang katitisuran sa harapan nila, gayunma'y lumalapit sa isang propeta upang mag-usisa sa akin tungkol sa kanyang sarili, akong PANGINOON ang sasagot sa kanya. Ihaharap ko ang aking mukha laban sa taong iyon, at gagawin ko siyang isang tanda at kawikaan, at tatanggalin ko siya sa gitna ng aking bayan; at inyong malalaman na ako ang PANGINOON. At kung ang propeta ay malinlang at magsalita ng isang kataga, akong PANGINOON ang luminlang sa propetang iyon, at aking iuunat ang aking kamay sa kanya, at papatayin ko siya mula sa gitna ng aking bayang Israel. Kanilang papasanin ang kanilang parusa — ang parusa ng propeta ay magiging gaya ng parusa ng sumasangguni — upang ang sambahayan ni Israel ay huwag nang maligaw pa sa akin, o mahawa pa man sa lahat nilang paglabag, kundi upang sila'y maging aking bayan at ako'y maging kanilang Diyos, sabi ng Panginoong DIYOS." At ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, 'Anak ng tao, kapag ang isang lupain ay nagkasala laban sa akin ng di pagtatapat, at aking iniunat ang aking kamay roon, at aking binali ang tungkod ng tinapay niyon, at nagsugo ako ng taggutom doon, at aking inalis doon ang tao at hayop; bagaman ang tatlong lalaking ito, sina Noe, Daniel at Job ay naroon, ang kanila lamang ililigtas ay ang kanilang sariling mga buhay sa pamamagitan ng kanilang katuwiran, sabi ng Panginoong DIYOS. Kung aking paraanin ang mga mabangis na hayop sa lupain at kanilang sirain iyon, at ito'y magiba, na anupa't walang taong makaraan dahil sa mga hayop; bagaman ang tatlong lalaking ito ay naroon, habang buhay ako, sabi ng Panginoong DIYOS, hindi nila maililigtas ang mga anak na lalaki o babae man. Sila lamang ang maliligtas, ngunit ang lupain ay masisira. O kung ako'y magpadala ng tabak sa lupaing iyon, at aking sabihin, 'Padaanan ng tabak ang lupain,' at aking alisin roon ang tao at hayop; bagaman ang tatlong lalaking ito ay naroon, habang buhay ako, sabi ng Panginoong DIYOS, hindi nila maililigtas ang mga anak na lalaki o babae man, kundi sila lamang ang maliligtas. O kung ako'y magsugo ng salot sa lupaing iyon, at aking ibuhos ang aking poot roon na may dugo, upang alisin ang tao't hayop; bagaman sina Noe, Daniel, at Job ay naroon, habang buhay ako, sabi ng Panginoong DIYOS, hindi nila maililigtas ang mga anak na lalaki o babae man; ang kanila lamang ililigtas ay ang kanilang sariling buhay sa pamamagitan ng kanilang katuwiran. "Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Gaano pa kaya kung aking paratingin ang aking apat na nakakamatay na hatol sa Jerusalem, ang tabak, ang taggutom, ang mabangis na mga hayop, at ang salot, upang alisin roon ang tao at hayop? Gayunman, narito, doo'y maiiwan ang isang nalabi na ilalabas, mga anak na lalaki at babae. Narito, sila'y lalabas sa inyo. Kapag inyong nakita ang kanilang mga pamumuhay at ang kanilang mga gawa, kayo'y maaaliw tungkol sa kasamaan na aking pinarating sa Jerusalem, tungkol sa lahat na aking pinasapit doon. Kanilang aaliwin kayo, kapag nakita ninyo ang kanilang pamumuhay at ang kanilang mga gawa. At inyong malalaman na hindi ko ginawang walang kadahilanan ang lahat na aking ginawa roon, sabi ng Panginoong DIYOS." At ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, sa ano nakakalamang ang puno ng baging sa alinmang puno ng kahoy, ng sanga ng puno ng baging na nasa gitna ng mga punungkahoy sa gubat? Makakakuha ba ng kahoy doon upang gawing anuman? O makakakuha ba roon ang mga tao ng tulos upang mapagsabitan ng anumang kasangkapan? Iyon ay inihahagis sa apoy bilang panggatong. Kapag natupok na ng apoy ang dalawang dulo niyon, at ang gitna niyon ay nasusunog, iyon ba'y mapapakinabangan pa? Narito, nang ito'y buo pa, hindi ito ginamit sa anuman, gaano pa nga kaya, kapag ito'y natupok ng apoy at nasunog, magagamit pa ba sa anumang gawain? Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Gaya ng puno ng baging sa gitna ng mga punungkahoy sa gubat, na aking ibinigay sa apoy bilang panggatong, gayon ko ibibigay ang mga naninirahan sa Jerusalem. Ihaharap ko ang aking mukha laban sa kanila; at bagaman sila'y makatakas sa apoy, tutupukin pa rin sila ng apoy. Inyong malalaman na ako ang PANGINOON, kapag iniharap ko ang aking mukha laban sa kanila. At aking sisirain ang lupain, sapagkat sila'y gumawa ng kataksilan, sabi ng Panginoong DIYOS." Ang salita ng PANGINOON ay muling dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, ipaalam mo sa Jerusalem ang kanyang mga kasuklamsuklam. At sabihin mo, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS sa Jerusalem: Ang iyong pinagmulan at ang iyong kapanganakan ay ang lupain ng Cananeo; ang iyong ama ay Amoreo at ang iyong ina ay Hetea. Tungkol sa iyong kapanganakan, nang araw na ikaw ay ipanganak ay hindi pinutol ang iyong pusod, o pinaliguan ka man sa tubig upang linisin ka. Ikaw ay hindi pinahiran ng asin o nabalot man. Walang matang nahabag sa iyo upang gawin ang alinman sa mga bagay na ito bilang pagkahabag sa iyo, kundi ikaw ay inihagis sa kaparangan sapagkat ang iyong pagkatao ay itinakuwil nang araw na ikaw ay ipanganak. "Nang ako'y dumaan sa tabi mo, nakita kita na tigmak ng sariling dugo. Sa iyong pagkakahiga sa iyong dugo ay sinabi ko sa iyo, 'Mabuhay ka! at lumaki ka na parang halaman sa parang.' Ikaw ay lumaki at tumangkad at naging ganap na babae. Ang iyong dibdib ay nahubog at ang iyong buhok ay lumago; gayunman, ikaw ay hubo at hubad. "Nang ako'y muling dumaan sa tabi mo, at tumingin sa iyo, ikaw ay nasa panahon na upang umibig. Iniladlad ko ang aking balabal sa iyo, at tinakpan ko ang iyong kahubaran. Oo, ako'y sumumpa at nakipagtipan sa iyo, sabi ng Panginoong DIYOS, at ikaw ay naging akin. Nang magkagayo'y pinaliguan kita ng tubig at aking nilinis ang dugo na nasa iyo, at pinahiran kita ng langis. Binihisan din kita ng telang may burda, at sinuotan ng sandalyas na pinong balat, at binigkisan kita ng pinong lino, at binalot kita ng magandang damit. Ginayakan kita ng mga hiyas, at nilagyan ko ng mga pulseras ang iyong mga kamay, at ng isang kuwintas ang iyong leeg. At nilagyan ko ng singsing ang iyong ilong, ng mga hikaw ang iyong mga tainga, at ng isang magandang korona ang iyong ulo. Ikaw ay ginayakan ng ginto at pilak, samantalang ang iyong damit ay yari sa pinong lino, at magandang tela na may burda. Ikaw ay kumain ng mainam na harina, ng pulot, at ng langis. Ikaw ay lumaking napakaganda, at bagay na maging reyna. Ang iyong kabantugan ay kumalat sa gitna ng mga bansa dahil sa iyong kagandahan; sapagkat naging sakdal ka sa pamamagitan ng kamahalan na aking inilagay sa iyo, sabi ng Panginoong DIYOS. "Ngunit ikaw ay nagtiwala sa iyong kagandahan, at naging bayarang babae dahil sa iyong kabantugan, at ikinalat mo ang iyong pagpapaupa sa bawat nagdaraan. Kinuha mo ang ilan sa iyong mga suot, at gumawa ka para sa iyong sarili ng matataas na dako na may sari-saring kulay, at nagpakasama ka sa kanila. Ang gayong mga bagay ay hindi pa nangyari o mang-yayari pa man. Kinuha mo rin ang iyong magagandang hiyas na ginto at pilak na aking ibinigay sa iyo, at gumawa ka para sa iyo ng mga larawan ng mga tao, at naging upahang babae ka sa kanila. Kinuha mo ang iyong mga bihisang may burda upang takpan sila at inilagay mo ang aking langis at ang aking insenso sa harapan nila. Ang aking tinapay na ibinigay ko sa iyo — pinakain kita ng piling harina, langis, at pulot — inilagay mo sa harapan nila bilang kaaya-ayang amoy, sabi ng Panginoong DIYOS. Bukod dito'y kinuha mo ang iyong mga anak na lalaki at babae na iyong ipinanganak sa akin, at ang mga ito ay iyong inihandog sa kanila upang lamunin. Ang iyo bang mga pagpapaupa ay isang maliit na bagay, na iyong pinatay ang aking mga anak, at iyong ibinigay sila bilang handog na pinararaan sa apoy? Sa lahat ng iyong mga kasuk-lamsuklam at mga pagiging bayarang babae ay hindi mo inalala ang mga araw ng iyong kabataan, nang ikaw ay hubo, hubad, at tigmak sa iyong dugo. "Pagkatapos ng iyong buong kasamaan (kahabag-habag, kahabag-habag ka! sabi ng Panginoong DIYOS), ikaw ay nagtayo para sa iyo ng entablado, at gumawa ka para sa iyo ng mataas na dako sa bawat liwasan. Itinayo mo ang iyong mataas na dako sa bawat bukana ng daan, at ginawa mong kasuklamsuklam ang iyong kagandahan, at ibinuka mo ang iyong mga binti sa bawat nagdaraan, at pinarami mo ang iyong pagiging bayarang babae. Ikaw ay naging bayarang babae rin sa mga Ehipcio na iyong mahalay na kalapit-bayan, at pinarami mo ang iyong pagiging bayarang babae upang ibunsod mo ako sa galit. Kaya't iniunat ko ang aking kamay laban sa iyo, at binawasan ko ang iyong takdang bahagi, at ibinigay kita sa kasakiman ng iyong mga kaaway, na mga anak na babae ng mga Filisteo, na nahiya sa iyong kahalayan. Bukod dito, ikaw ay naging bayarang babae rin sa mga taga-Asiria, sapagkat ikaw ay hindi nasisiyahan. Oo, ikaw ay naging bayarang babae rin sa kanila, at gayunma'y hindi ka nasiyahan. Pinarami mo rin ang iyong pagiging bayarang babae sa lupaing kalakalan ng Caldea; gayunma'y hindi ka nasiyahan. "Gaano ba ang pananabik ng iyong puso, sabi ng Panginoong DIYOS, upang iyong gawin ang lahat ng bagay na ito, na gawa ng isang upahang babae; na itinatayo mo ang iyong entablado sa bukana ng bawat daan, at ginawa mo ang iyong mataas na dako sa bawat lansangan. Gayunma'y hindi ka naging gaya ng isang bayarang babae sapagkat tinanggihan mo ang upa. Isang asawang babae na mapakiapid na tumatanggap ng mga dayuhan sa halip na ang kanyang asawa! Ang mga tao'y nagbibigay ng mga kaloob sa lahat ng bayarang babae; ngunit ikaw ay nagbibigay ng iyong mga kaloob sa lahat ng iyong mangingibig, at iyong sinusuhulan sila upang sila'y magsilapit sa iyo sa bawat dako para sa iyong mga pagiging bayarang babae. Kaya't ikaw ay kakaiba sa ibang mga babae sa iyong pagpapaupa. Walang nag-udyok sa iyo upang magpaupa, at nagbigay ka ng upa, samantalang walang upa na ibinigay sa iyo, kaya't ikaw ay kakaiba. "Kaya't, O masamang babae, pakinggan mo ang salita ng PANGINOON: Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS, Sapagkat ang iyong karumihan ay nalantad, at ang iyong kahubaran ay lumitaw sa mga pagpapaupa mo sa iyong mga mangingibig, at dahil sa lahat mong mga diyus-diyosan, at dahil sa dugo ng iyong mga anak na iyong ibinigay sa kanila, aking titipunin ang lahat na mangingibig mo na iyong kinalugdan, lahat ng iyong inibig at lahat ng iyong kinapootan. Titipunin ko sila laban sa iyo sa bawat lugar, at aking ililitaw ang iyong kahubaran sa kanila, upang kanilang makita ang iyong buong kahubaran. Aking hahatulan ka na gaya ng hatol sa mga babaing nangangalunya at nagpadanak ng dugo; at aking dadalhin sa iyo ang dugo ng kapusukan at paninibugho. Ibibigay kita sa kamay ng iyong mga mangingibig at kanilang ibabagsak ang iyong entablado, at gigibain ang iyong matataas na dako. Kanilang huhubaran ka ng iyong mga suot, kukunin ang iyong magagandang hiyas, at iiwan ka nilang hubo at hubad. Sila ay magdadala ng isang hukbo laban sa iyo, at babatuhin ka nila at pagpipira-pirasuhin ka ng kanilang mga tabak. Susunugin nila ng apoy ang iyong mga bahay, at maglalapat ng mga hatol sa iyo sa paningin ng maraming babae. Aking patitigilin ka sa pagiging bayarang babae, at ikaw ay hindi na rin magbabayad pa sa iyong mga mangingibig. Sa gayo'y aking bibigyang kasiyahan ang aking matinding galit sa iyo, at ako'y hindi na maninibugho sa iyo; ako'y matatahimik at hindi na magagalit pa. Sapagkat hindi mo naalala ang mga araw ng iyong kabataan, kundi ako'y pinapag-iinit mo sa lahat ng mga bagay na ito. Narito, kaya't akin namang ibabalik ang iyong mga gawa sa iyong ulo, sabi ng Panginoong DIYOS: "Hindi ba gumawa ka ng kahalayan bukod sa lahat ng iyong mga kasuklamsuklam? Narito, bawat gumagamit ng mga kawikaan ay gagamit ng kawikaang ito tungkol sa iyo, 'Kung ano ang ina, gayon ang anak na babae.' Ikaw ang anak na babae ng iyong ina, na namuhi sa kanyang asawa at sa kanyang mga anak. Ikaw ang kapatid ng iyong mga kapatid, na namuhi sa kanilang mga asawa at sa kanilang mga anak. Ang iyong ina ay isang Hetea, at ang iyong ama ay isang Amoreo. Ang iyong nakatatandang kapatid na babae ay ang Samaria na naninirahang kasama ng kanyang mga anak na babae sa dakong hilaga mo; at ang iyong nakababatang kapatid na babae na naninirahan sa iyong timog ay ang Sodoma na kasama ang kanyang mga anak na babae. Gayunma'y hindi ka nasiyahang lumakad sa kanilang mga lakad, o gumawa man ng ayon sa kanilang kasuklamsuklam. Sa loob lamang ng napakaigsing panahon ay higit kang naging masama kaysa kanila sa lahat ng iyong mga lakad. Habang buhay ako, sabi ng Panginoong DIYOS, ang Sodoma na iyong kapatid na babae at ang kanyang mga anak ay hindi gumawa ng gaya ng ginawa mo at ng iyong mga anak na babae. Narito, ito ang kasamaan ng iyong kapatid na babae na Sodoma; siya at ang kanyang mga anak na babae ay may kapalaluan, labis na pagkain, at masaganang kaluwagan, ngunit hindi tinulungan ang dukha at nangangailangan. Sila'y palalo at gumawa ng kasuklamsuklam na bagay sa harapan ko; kaya't aking inalis sila nang makita ko iyon. Ang Samaria ay hindi nakagawa ng kalahati ng iyong mga kasalanan. Nakagawa ka ng higit na mga kasuklamsuklam kaysa kanila, at pinalabas mong higit na matuwid ang iyong mga kapatid na babae sa pamamagitan ng lahat ng mga kasuklamsuklam na iyong ginawa. Pasanin mo rin ang iyong kahihiyan, sapagkat nagbigay ka ng mabuting paghatol sa iyong mga kapatid na babae; dahil sa iyong mga kasalanan na iyong nagawa na higit na kasuklamsuklam kaysa kanila, sila'y higit na matuwid kaysa iyo. Kaya't mahiya ka rin, at pasanin mo ang iyong kahihiyan, sapagkat pinalabas mong matuwid ang iyong mga kapatid na babae. "Gayunman, ibabalik ko ang kanilang pagkabihag, ang pagkabihag ng Sodoma at ng kanyang mga anak na babae, at ang pagkabihag ng Samaria at ng kanyang mga anak na babae, at ibabalik ko ang sarili mong pagkabihag sa gitna nila, upang pasanin mo ang iyong sariling kahihiyan, at ikaw ay mapahiya dahil sa lahat ng iyong ginawa sa pagiging kaaliwan sa kanila. Tungkol sa iyong mga kapatid na babae, ang Sodoma at ang kanyang mga anak na babae ay babalik sa kanilang dating kalagayan. Ang Samaria at ang kanyang mga anak na babae ay babalik sa kanilang dating kalagayan, at ikaw at ang iyong mga anak na babae ay babalik sa inyong dating kalagayan. Hindi ba ang iyong kapatid na babae na Sodoma ay isang kasabihan sa iyong bibig sa araw ng iyong kapalaluan, bago lumitaw ang iyong kasamaan? Ngayo'y naging gaya ka niya na naging tampulan ng pagkutya para sa mga anak na babae ng Siria, at sa lahat ng nasa palibot niya, na mga anak na babae ng mga Filisteo na siyang kumukutya sa iyo sa palibot. Pasan mo ang parusa ng iyong kahalayan at ang iyong mga kasuklamsuklam, sabi ng PANGINOON. "Oo, ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Akin namang gagawin sa iyo ang gaya ng iyong ginawa, na iyong hinamak ang sumpa sa pagsira ng tipan. Gayunma'y alalahanin ko ang aking tipan sa iyo nang mga araw ng iyong kabataan, at aking itatatag sa iyo ang isang walang hanggang tipan. Kung magkagayo'y alalahanin mo ang iyong mga lakad, at mapapahiya ka kapag dinala ko ang iyong mga kapatid na babae, ang iyong nakatatanda at nakababatang kapatid, at aking ibibigay sila sa iyo bilang mga anak na babae, ngunit hindi dahil sa pakikipagtipan sa iyo. Aking itatatag ang aking tipan sa iyo, at iyong malalaman na ako ang PANGINOON; upang iyong maalala, at mapahiya ka, at kailan pa man ay hindi mo na ibuka ang iyong bibig dahil sa iyong kahihiyan, kapag aking pinatawad ka sa lahat ng iyong ginawa, sabi ng Panginoong DIYOS." Ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, magbugtong ka, at magsalita ka ng talinghaga sa sambahayan ni Israel; at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Isang malaking agila na may malalaki at mahahabang pakpak na puno ng mga balahibo, na may sari-saring kulay ang dumating sa Lebanon, at kinuha ang dulo ng sedro. Kanyang binali ang pinakamataas na sariwang mga sanga niyon, at dinala sa isang lupaing kalakalan; inilagay niya sa isang lunsod ng mga mangangalakal. Pagkatapos ay kinuha niya ang binhi ng lupain, at itinanim sa isang matabang lupa; itinanim niya sa tabi ng maraming tubig; kanyang itinanim na parang puno ng kahoy na sauce. Ito ay tumubo at naging mayabong na puno ng baging, na mababa, na ang mga sanga ay patungo sa dako niya, at ang mga ugat niyo'y nanatili sa kinaroroonan niya; at ito'y naging isang puno ng baging, at nagsanga, at nagkadahon. Ngunit may iba pang malaking agila na may malaking pakpak at maraming balahibo, at ipinihit ng puno ng baging na ito ang mga ugat nito sa kanya, at isinupling ang kanyang mga sanga sa dako niya upang kanyang diligin ito. Mula sa pitak na kanyang kinatataniman inilipat niya ito sa isang mabuting lupa sa tabi ng maraming tubig, upang makapagsanga, at makapagbunga, upang maging mabuting puno ng baging. Sabihin mo, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Lalago ba iyon? Hindi ba niya bubunutin ang mga ugat niyon, at puputulin ang mga sanga niyon, upang ang lahat ng sariwang umuusbong na mga dahon niyon ay matuyo? Hindi kailangan ang malakas na bisig o maraming tao na ito'y mabubunot sa mga ugat. Narito, nang ito'y ilipat ng taniman, lalago ba ito? Hindi ba ganap na matutuyo kapag nahipan siya ng hanging silangan — at matutuyo sa mga pitak na tinubuan niya?" Bukod dito'y ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Sabihin mo ngayon sa mapaghimagsik na sambahayan: Hindi ba ninyo nalalaman ang kahulugan ng mga bagay na ito? Sabihin mo sa kanila: Narito, ang hari ng Babilonia ay dumating sa Jerusalem, at kinuha ang kanyang hari at mga pinuno at kanyang dinala sila sa Babilonia. Siya'y kumuha ng isang anak ng hari at nakipagtipan siya sa kanya, at kanyang isinailalim siya sa panunumpa. (Dinala niya ang mga pinuno ng lupain, upang ang kaharian ay mapangumbaba at hindi makapagmataas, at sa pag-iingat ng kanyang tipan ay makatayo ito.) Ngunit siya'y naghimagsik laban sa kanya sa pagpapadala ng kanyang mga sugo sa Ehipto, upang mabigyan nila siya ng mga kabayo at malaking hukbo. Magtatagumpay ba siya? Makakatakas ba ang taong gumagawa ng gayong mga bagay? Masisira ba niya ang tipan at makakatakas pa? Habang buhay ako, sabi ng Panginoong DIYOS, tunay na sa dakong tinatahanan ng hari kung saan siya ginawang hari, na ang sumpa ay hinamak niya at sinira niya ang pakikipagtipan sa kanya, siya nga'y mamamatay sa Babilonia. Hindi siya tutulungan sa pakikidigma ni Faraon at ng kanyang makapangyarihang hukbo, kapag itinindig ang mga bunton at itinayo ang mga pader na panlusob, upang pumatay ng maraming tao. Sapagkat kanyang hinamak ang sumpa at sinira ang tipan, narito, sapagkat ibinigay niya ang kanyang kamay, at gayunma'y ginawa ang lahat ng bagay na ito siya'y hindi makakatakas. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Habang buhay ako, walang pagsalang ang aking panunumpa na kanyang hinamak, at ang aking tipan na kanyang sinira ay aking sisingilin sa kanyang ulo. Aking ikakalat ang aking bitag sa kanya, at siya'y mahuhuli sa aking silo; dadalhin ko siya sa Babilonia at siya'y aking hahatulan doon dahil sa kataksilan na kanyang ginawa laban sa akin. At ang lahat ng mga piling lalaki mula sa kanyang pangkat ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, at ang nalabi ay mangangalat sa bawat dako; at inyong malalaman na akong PANGINOON ang nagsalita." Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: "Ako mismo ay kukuha ng suwi mula sa dulo ng mataas na sedro at aking itatanim. Sa pinakamataas ng kanyang sariwang sanga ay puputol ako ng supling, at aking itatanim sa isang mataas at matayog na bundok. Sa kaitaasan ng bundok ng Israel ay aking itatanim iyon, upang ito'y magsanga at magbunga, at maging mainam na sedro, at sa lilim niyon ay tatahan ang lahat ng uri ng hayop, at sa lilim ng mga sanga niyon ay magpupugad ang lahat ng uri ng ibon. At malalaman ng lahat ng punungkahoy sa parang na akong PANGINOON ang nagbaba sa mataas na punungkahoy, nagtaas sa mababang punungkahoy, tumuyo sa sariwang punungkahoy, at nagpanariwa sa tuyong punungkahoy: Akong PANGINOON ang nagsalita at gagawa niyon." Ang salita ng PANGINOON ay dumating uli sa akin, na sinasabi, "Anong ibig ninyong sabihin sa pag-uulit ng kawikaang ito tungkol sa lupain ng Israel, 'Kinain ng mga magulang ang maaasim na ubas, at ang mga ngipin ng mga anak ay nangingilo?' Habang buhay ako, sabi ng Panginoong DIYOS, hindi na ninyo gagamitin pa ang kawikaang ito sa Israel. Lahat ng buhay ay akin; ang buhay ng ama at ng anak ay akin; ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay. "Kung ang isang tao ay matuwid, at gumagawa ng ayon sa batas at matuwid, at siya'y hindi kumakain sa mga bundok, o itinataas man ang kanyang mga mata sa mga diyus-diyosan ng sambahayan ni Israel, o dinudungisan ang asawa ng kanyang kapwa, o lumapit man sa isang babae sa panahon ng kanyang karumihan, hindi nang-aapi sa kanino man, kundi isinasauli sa nangutang ang kanyang sangla, hindi nagnanakaw, ibinibigay ang kanyang tinapay sa gutom, at tinatakpan ng kasuotan ang hubad; hindi nagpapahiram na may patubo, o kumukuha man ng anumang pakinabang, na iniurong ang kanyang kamay sa kasamaan, naglalapat ng tunay na katarungan sa pagitan ng dalawang magkalaban, na lumalakad ng ayon sa aking mga tuntunin, at maingat sa pagsunod sa aking mga batas; siya'y matuwid, siya'y tiyak na mabubuhay, sabi ng Panginoong DIYOS. "Kung siya'y magkaanak ng isang lalaking magnanakaw, nagpapadanak ng dugo, at gumagawa ng alinman sa mga ganitong bagay, at hindi gumagawa ng alinman sa mga katungkulang iyon, kundi kumakain sa mga bundok, at dinudungisan ang asawa ng kanyang kapwa, inaapi ang dukha at nangangailangan, nagnanakaw, hindi nagsasauli ng sangla, at itinataas ang kanyang mga mata sa mga diyus-diyosan, gumagawa ng kasuklam-suklam, nagpapahiram na may patubo, at tumatanggap ng pakinabang; mabubuhay ba siya? Siya'y hindi mabubuhay. Kanyang ginawa ang lahat ng kasuklamsuklam na ito. Siya'y tiyak na mamamatay; ang kanyang dugo ay sasakanya. "Ngunit kung ang taong ito'y magkaanak ng isang lalaki na nakikita ang lahat ng kasalanan na ginawa ng kanyang ama, at natatakot, at hindi gumagawa ng gayon; na hindi kumakain sa mga bundok, o itinataas man ang kanyang mga mata sa mga diyus-diyosan ng sambahayan ni Israel, hindi dinudungisan ang asawa ng kanyang kapwa, o ginagawan ng masama ang sinuman, hindi tumatanggap ng anumang sangla, at hindi nagnanakaw, kundi nagbibigay ng kanyang tinapay sa gutom, at binabalutan ng damit ang hubad; na iniuurong ang kanyang kamay sa kasamaan, hindi tumatanggap ng patubo o ng pakinabang man, ginagawa ang aking mga batas, at lumalakad sa aking mga tuntunin; hindi siya mamamatay ng dahil sa kasamaan ng kanyang ama, siya'y tiyak na mabubuhay. Tungkol sa kanyang ama, sapagkat siya'y gumawa ng pangingikil, ninakawan ang kanyang kapatid, at gumawa ng hindi mabuti sa gitna ng kanyang bayan, siya'y mamamatay sa kanyang kasamaan. "Gayunma'y sinasabi ninyo, 'Bakit hindi magdurusa ang anak dahil sa kasamaan ng ama?' Kapag ginawa ng anak ang ayon sa batas at matuwid, at naging maingat sa pagtupad sa lahat ng aking tuntunin, siya'y tiyak na mabubuhay. Ang taong nagkasala ay mamamatay. Ang anak ay hindi magdurusa dahil sa kasamaan ng ama, ni ang ama ay magdurusa dahil sa kasamaan ng anak. Ang katuwiran ng matuwid ay sasakanya, at ang kasamaan ng masama ay sasakanya. "Ngunit kung ang masamang tao ay lumayo sa lahat niyang kasalanan na kanyang nagawa, at ingatan ang lahat ng aking mga tuntunin, at gumawa ng ayon sa batas at matuwid, siya'y tiyak na mabubuhay, siya'y hindi mamamatay. Alinman sa kanyang mga paglabag na nagawa niya ay di na aalalahanin pa laban sa kanya; sapagkat sa matuwid na gawa na kanyang ginawa ay mabubuhay siya. Mayroon ba akong anumang kasiyahan sa kamatayan ng masama? sabi ng Panginoong DIYOS; at hindi ba mabuti na siya'y humiwalay sa kanyang lakad at mabuhay? Ngunit kapag ang matuwid ay humiwalay sa kanyang pagiging matuwid at gumawa ng kasamaan, at gumagawa ng gayunding kasuklamsuklam na bagay na ginagawa ng masamang tao, mabubuhay ba siya? Walang aalalahanin sa mga matuwid na gawa na kanyang ginawa; dahil sa kataksilan na kanyang ipinagkasala, at sa kasalanan na kanyang ginawa, siya ay mamamatay. "Gayunma'y inyong sinasabi, 'Ang daan ng Panginoon ay hindi matuwid.' Pakinggan mo ngayon, O sambahayan ni Israel: Ang akin bang daan ay hindi matuwid? Hindi ba ang iyong mga lakad ang di matuwid?' Kapag ang taong matuwid ay lumayo sa kanyang pagiging matuwid at gumawa ng kasamaan, siya ay mamamatay dahil doon. Dahil sa kasamaan na kanyang nagawa ay mamamatay siya. Muli, kapag ang taong masama ay humihiwalay sa kanyang kasamaan na kanyang nagawa at ginawa kung ano ang tumpak at matuwid, kanyang ililigtas ang kanyang buhay. Sapagkat kanyang isinaalang-alang at lumayo sa lahat niyang pagsuway na kanyang nagawa, siya'y tiyak na mabubuhay, siya'y hindi mamamatay. Gayunma'y sinasabi ng sambahayan ni Israel, 'Ang daan ng PANGINOON ay hindi matuwid.' O sambahayan ni Israel, ang akin bang mga daan ay hindi matuwid? Hindi ba ang iyong mga lakad ang di matuwid? "Kaya't hahatulan ko kayo, O sambahayan ni Israel, bawat isa'y ayon sa kanyang mga lakad, sabi ng Panginoong DIYOS. Kayo'y magsisi, at lumayo kayo sa lahat ninyong pagsuway; sa gayo'y ang kasamaan ay hindi magiging inyong kapahamakan. Inyong iwaksi ang lahat ninyong pagsuway na inyong ginawa laban sa akin, at kayo'y magbagong puso at magbagong diwa! Bakit kayo mamamatay, O sambahayan ni Israel? Sapagkat wala akong kaluguran sa kamatayan ng sinuman, sabi ng Panginoong DIYOS. Kaya't magsipagbalik-loob kayo, at mabuhay." At ikaw, tumaghoy ka para sa mga pinuno ng Israel, at iyong sabihin: Parang isang babaing leon ang iyong ina! Siya'y humiga sa gitna ng mga leon, na inaalagaan ang kanyang mga anak. Pinalaki niya ang isa sa kanyang mga anak; siya'y naging isang batang leon, at natuto siyang manghuli; siya'y nanlapa ng mga tao. Ang mga bansa ay nagpatunog ng babala laban sa kanya; siya'y dinala sa kanilang hukay; at dinala nila siyang nakakawit sa lupain ng Ehipto. Nang makita niya na siya'y naghintay, at ang kanyang pag-asa ay nawala, kumuha siya ng isa pa sa kanyang mga anak, at ginawa siyang batang leon. Siya'y nagpagala-galang kasama ng mga leon; siya'y naging batang leon, at siya'y natutong manghuli; at nanlapa ng mga tao. At giniba niya ang kanilang mga tanggulan, at sinira ang kanilang mga lunsod; at ang lupain ay natakot, at ang lahat na naroon, sa ugong ng kanyang ungal. Nang magkagayo'y naglagay ang mga bansa ng mga bitag laban sa kanya sa bawat dako; inilatag nila ang kanilang lambat laban sa kanya; dinala siya sa kanilang hukay. Inilagay nila siya sa isang kulungan na may kawit, at dinala nila siya sa hari ng Babilonia; at dinala nila siya sa pamamagitan ng lambat, upang ang kanyang tinig ay huwag nang marinig sa mga bundok ng Israel. Ang iyong ina ay parang ubas sa iyong ubasan na itinanim sa tabi ng tubig, siya'y mabunga at puno ng mga sanga, dahil sa maraming tubig. Ang kanyang pinakamatibay na sanga ay naging setro ng namumuno; ito ay tumaas na tunay, sa makapal na sanga; ito'y namasdan sa kataasan sa karamihan ng kanilang mga sanga. Ngunit ang puno ng ubas ay binunot dahil sa poot, inihagis sa lupa; tinuyo ito ng hanging mula sa silangan; at inalis ang bunga nito, ang kanyang matitibay na sanga ay nabali; at tinupok ng apoy. Ngayo'y inilipat ito ng taniman sa ilang, sa isang tuyo at uhaw na lupain. At lumabas ang apoy sa mga sanga nito, at tinupok ang kanyang mga sanga at bunga, kaya't doo'y walang naiwang matibay na sanga, walang setro para sa isang pinuno. Ito ay panaghoy, at naging panaghoy. Nang ikasampung araw ng ikalimang buwan ng ikapitong taon, ang ilan sa matatanda ng Israel ay dumating upang sumangguni sa PANGINOON. Sila'y umupo sa harapan ko. At ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, magsalita ka sa matatanda ng Israel, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Kayo ba'y pumarito upang sumangguni sa akin? Habang ako'y nabubuhay, sabi ng Panginoong DIYOS, hindi kayo makakasangguni sa akin. Hahatulan mo ba sila, anak ng tao, hahatulan mo ba sila? Ipaalam mo sa kanila ang mga kasuklamsuklam na gawa ng kanilang mga ninuno, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Nang araw na aking piliin ang Israel, sumumpa ako sa binhi ng sambahayan ni Jacob, at nagpakilala ako sa kanila sa lupain ng Ehipto, sumumpa ako sa kanila na sinasabi: Ako ang PANGINOON ninyong Diyos. Nang araw na iyon ay sumumpa ako sa kanila na ilalabas ko sila sa lupain ng Ehipto, sa lupain na aking hinanap para sa kanila, lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, na siyang pinakamaluwalhati sa lahat ng lupain. Sinabi ko sa kanila, Itakuwil ninyo ang mga bagay na kasuklam-suklam na ninanasa ng inyong mga mata, bawat isa sa inyo, at huwag ninyong dungisan ang inyong sarili sa mga diyus-diyosan ng Ehipto; ako ang PANGINOON ninyong Diyos. Ngunit sila'y naghimagsik laban sa akin at hindi nakinig sa akin; hindi itinakuwil ng bawat isa sa kanila ang mga kasuklamsuklam na bagay na ninanasa ng kanilang mga mata, o tinalikuran man nila ang mga diyus-diyosan sa Ehipto. "At inisip kong ibuhos sa kanila ang aking poot, at ubusin ko ang aking galit laban sa kanila, sa gitna ng lupain ng Ehipto. Ngunit ako'y kumilos alang-alang sa aking pangalan upang ito'y huwag malapastangan sa paningin ng mga bansa na kinaroroonan nila, na sa mga paningin nila ay nagpakilala ako sa kanila, sa paglalabas ko sa kanila sa lupain ng Ehipto. Sa gayo'y inilabas ko sila mula sa lupain ng Ehipto, at dinala ko sila sa ilang. At ibinigay ko sa kanila ang aking mga tuntunin, at itinuro ko sa kanila ang aking mga batas, na kung sundin ng tao, ay mabubuhay. Bukod dito'y ibinigay ko rin naman sa kanila ang aking mga Sabbath, bilang isang tanda sa pagitan ko at nila, upang kanilang malaman na ako ang PANGINOON na nagpapabanal sa kanila. Ngunit ang sambahayan ng Israel ay naghimagsik laban sa akin sa ilang. Sila'y hindi lumakad ng ayon sa aking mga tuntunin, kundi kanilang itinakuwil ang aking mga batas, na kung sundin ay mabubuhay ang bawat isa; at ang aking mga Sabbath ay kanilang lubhang nilapastangan. "At inisip kong ibuhos ang aking poot sa kanila sa ilang, upang ganap silang malipol. Ngunit ako'y kumilos alang-alang sa aking pangalan, upang ito'y huwag malapastangan sa paningin ng mga bansa, na sa paningin ng mga iyon ay aking inilabas sila. Bukod dito'y sumumpa ako sa kanila sa ilang na hindi ko sila dadalhin sa lupaing ibinigay ko sa kanila, lupaing binubukalan ng gatas at pulot, na siyang pinakamaluwalhati sa lahat ng lupain; sapagkat kanilang itinakuwil ang aking mga batas, at hindi lumakad sa aking mga tuntunin, at nilapastangan ang aking mga Sabbath; sapagkat ang kanilang puso ay nagsisunod sa kanilang mga diyus-diyosan. Gayunma'y iniligtas sila ng aking mga mata at hindi ko sila nilipol, o ginawan man sila ng lubos na katapusan sa ilang. "At sinabi ko sa kanilang mga anak sa ilang, Huwag kayong lumakad sa mga tuntunin ng inyong mga ninuno, o sundin man ang kanilang mga batas, o dungisan man ang inyong sarili sa kanilang mga diyus-diyosan. Ako ang PANGINOON na inyong Diyos: Lumakad kayo sa aking mga tuntunin, at maging maingat kayo sa pagsunod sa aking mga batas. Inyong ingatang banal ang aking mga Sabbath upang ang mga iyon ay maging tanda sa pagitan ko at ninyo, upang inyong malaman na akong PANGINOON ang inyong Diyos. Ngunit ang mga anak ay naghimagsik laban sa akin; sila'y hindi lumakad sa aking mga tuntunin, at hindi naging maingat na isagawa ang aking mga batas, na kung gawin ng tao ay mabubuhay; kanilang nilapastangan ang aking mga Sabbath. "Nang magkagayo'y inisip kong ibubuhos ang aking poot sa kanila at ubusin ang aking galit laban sa kanila sa ilang. Gayunma'y iniurong ko ang aking kamay, kumilos ako alang-alang sa aking pangalan, upang huwag itong malapastangan sa paningin ng mga bansa, na sa paningin ng mga iyon ay inilabas ko sila. Bukod dito'y isinumpa ko sa kanila sa ilang na pangangalatin ko sila sa gitna ng mga bansa, at pagwawatak-watakin sila sa mga lupain, sapagkat hindi nila ginawa ang aking mga batas, kundi itinakuwil ang aking mga tuntunin, at nilapastangan ang aking mga Sabbath, at ang kanilang mga mata'y nakatuon sa mga diyus-diyosan ng kanilang mga ninuno. Bukod dito'y binigyan ko sila ng mga tuntunin na hindi mabuti, at ng mga batas na hindi nagbibigay ng buhay. Dinungisan ko sila sa pamamagitan ng kanilang sariling mga kaloob, sa pamamagitan ng kanilang paghahandog sa apoy ng lahat ng kanilang mga panganay, upang aking takutin sila. Ginawa ko iyon upang kanilang malaman na ako ang PANGINOON. "Kaya't, anak ng tao, magsalita ka sa sambahayan ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Sa ganito'y muling nilapastangan ako ng inyong mga ninuno, sa pamamagitan ng kanilang pagtataksil laban sa akin. Sapagkat nang madala ko sila sa lupain na aking ipinangakong ibibigay sa kanila, saanman sila makakita ng alinmang mataas na burol o anumang mayayabong na punung-kahoy, inialay nila roon ang kanilang mga handog, at doo'y kanilang iniharap ang nakakagalit nilang handog. Nagsuob rin sila roon ng kanilang pabango, at ibinuhos nila roon ang kanilang mga inuming handog. (Nang magkagayo'y sinabi ko sa kanila, Ano ang mataas na dako na inyong pinuntahan? Sa gayo'y ang pangalan niyon ay tinawag na Bama hanggang sa araw na ito.) Kaya't sabihin mo sa sambahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Durungisan ba ninyo ang inyong sarili ng ayon sa paraan ng inyong mga ninuno at kayo'y maliligaw sa kanilang mga kasuklam-suklam na bagay? Kapag inyong inihahandog ang inyong mga kaloob, at iniaalay sa apoy ang inyong mga anak, nagpapakarumi kayo sa lahat ng inyong diyus-diyosan hanggang sa araw na ito. At ako ba'y sasangguniin ninyo, O sambahayan ng Israel? Habang ako'y nabubuhay, sabi ng Panginoong DIYOS, hindi ninyo ako masasangguni. "Ang nasa inyong isipan ay hindi kailanman mangyayari, ang isipang, 'Hayaan ninyo kaming maging gaya ng mga bansa, na gaya ng mga angkan ng mga lupain at sumamba sa kahoy at bato.' "Habang buhay ako, sabi ng Panginoong DIYOS, tiyak na sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay at ng unat na bisig, at ng poot na ibinubuhos, ay maghahari ako sa inyo. Ilalabas ko kayo na mula sa mga bayan, at titipunin ko kayo mula sa mga lupain na inyong pinangalatan, sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay, ng unat na bisig, at ng poot na ibinubuhos. Dadalhin ko kayo sa ilang ng mga bayan, at doo'y hahatulan ko kayo nang harapan. Kung paanong aking hinatulan ang inyong mga ninuno sa ilang ng lupain ng Ehipto, gayon ko kayo hahatulan, sabi ng Panginoong DIYOS. Pararaanin ko kayo sa ilalim ng tungkod, at dadalhin ko kayo sa pakikipagkasundo sa tipan. Aking lilinisin sa gitna ninyo ang mga mapaghimagsik, at ang mga sumusuway sa akin. Ilalabas ko sila sa lupaing kanilang pinamamayanan, ngunit hindi sila papasok sa lupain ng Israel. Inyong malalaman na ako ang PANGINOON. "Tungkol sa inyo, O sambahayan ni Israel, ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Umalis kayo, at paglingkuran ng bawat isa ang kanyang mga diyus-diyosan, ngayon at sa haharapin man, kung hindi ninyo ako diringgin. Ngunit ang aking banal na pangalan ay hindi na ninyo lalapastanganin sa pamamagitan ng inyong mga kaloob, at ng inyong mga diyus-diyosan. "Sapagkat sa aking banal na bundok, sa bundok na kaitaasan ng Israel, sabi ng Panginoong DIYOS, doon ako paglilingkuran nilang lahat sa lupain ng buong sambahayan ni Israel. Doo'y tatanggapin ko sila, at doon ko hihingin ang inyong mga handog, at ang mga pinakamabuti sa inyong mga kaloob, at ng lahat ninyong banal na handog. Bilang mabangong amoy ay tatanggapin ko kayo, kapag kayo'y aking naihiwalay sa mga bayan, at natipon ko kayo mula sa mga lupain na inyong pinangalatan. At aking ipapakita ang aking kabanalan sa inyo, sa paningin ng mga bansa. At inyong malalaman na ako ang PANGINOON, kapag kayo'y aking ipinasok sa lupain ng Israel, sa lupain na aking ipinangakong ibibigay sa inyong mga ninuno. Doo'y maaalala ninyo ang inyong mga lakad, at lahat ng inyong mga gawa na idinungis ninyo sa inyong sarili. At inyong kamumuhian ang inyong sarili nang dahil sa lahat ng kasamaang inyong ginawa. Inyong malalaman na ako ang PANGINOON, kapag ako'y nakitungo sa inyo alang-alang sa aking pangalan, hindi ayon sa inyong masasamang lakad, o ayon sa inyong masasamang gawa man, O sambahayan ni Israel, sabi ng Panginoong DIYOS." At ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, humarap ka sa dakong timog, mangaral ka laban sa dakong timog, at magsalita ka ng propesiya laban sa gubat sa Negeb. Narito, sabihin mo sa gubat ng Negeb, Iyong pakinggan ang salita ng PANGINOON: Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS, Aking pagniningasin ang isang apoy sa iyo, at tutupukin nito ang bawat sariwang punungkahoy sa iyo, at ang bawat tuyong punungkahoy. Ang nag-aalab na apoy ay hindi mapapatay, at ang lahat ng mukha mula sa timog hanggang sa hilaga ay susunugin nito. At malalaman ng lahat ng laman na akong PANGINOON ang nagpaningas niyon; at hindi iyon mapapatay." Nang magkagayo'y sinabi ko: "Panginoong DIYOS! sinasabi nila sa akin, 'Hindi ba siya'y mangkakatha ng mga talinghaga?'" Ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, humarap ka sa dakong Jerusalem, mangaral ka laban sa mga santuwaryo, at magpropesiya ka laban sa lupain ng Israel. Sabihin mo sa lupain ng Israel, Ganito ang sabi ng PANGINOON: Narito, ako'y laban sa iyo, aking bubunutin ang aking tabak sa kaluban, at tatanggalin ko sa iyo ang matuwid at ang masama. Sapagkat aking tatanggalin sa iyo ang matuwid at ang masama, aking bubunutin ang aking tabak sa kaluban laban sa lahat ng laman mula sa timog hanggang sa hilaga; at malalaman ng lahat ng laman na akong PANGINOON ang bumunot ng aking tabak sa kaluban at iyon ay hindi na isusuksok pang muli. Ngunit, ikaw na anak ng tao, magbuntung-hininga ka na may pagkawasak ng puso at mapait na kalungkutan sa harapan ng kanilang mga paningin. Kapag kanilang sinabi sa iyo, 'Bakit ka nagbubuntong-hininga?' Iyong sasabihin, 'Dahil sa mga balita. Kapag ito'y dumating, ang bawat puso ay manlulumo, at ang lahat na kamay ay manghihina. Ang bawat espiritu ay manghihina, at ang lahat na tuhod ay manlalambot na parang tubig. Tingnan mo, ito'y dumarating at mangyayari ito,'" sabi ng Panginoong DIYOS. Ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, 'Anak ng tao, magpahayag ka ng propesiya, at sabihin mo, Ganito ang sabi ng PANGINOON, Sabihin mo: Isang tabak, isang tabak ay hinasa at kumikinang din ito. Ito'y hinasa para sa patayan, pinakintab upang magliwanag na parang kidlat! Paano tayo magsasaya? Ang tungkod ng aking anak ay hinahamak natin at ang lahat ng pagsupil. Ibinigay ang tabak upang pakinangin at upang hawakan; ito'y hinasa at pinakinang upang ibigay sa kamay ng mamamatay. Anak ng tao, sumigaw ka at manangis, sapagkat ito'y laban sa aking bayan. Ito'y laban sa lahat ng mga pinuno ng Israel at sila'y ibinigay sa tabak na kasama ng aking bayan. Hatawin mo ang hita! Sapagkat iyon ay magiging pagsubok — ano ang magagawa nito kapag hinamak mo ang pamalo?" sabi ng Panginoong DIYOS. "Kaya't magpahayag ka ng propesiya, anak ng tao. Ipalakpak mo ang iyong mga kamay, at hayaan mong bumaba ang tabak ng dalawang ulit, oo tatlong ulit, ang tabak para sa mga papatayin. Iyon ay tabak para sa malaking pagpatay na pumapalibot sa kanila, upang ang kanilang mga puso ay manlumo, at maraming bumagsak sa kanilang pintuan. Ibinigay ko ang kumikinang na tabak! Ginawa itong parang kidlat, ito'y hinasa upang gamitin sa pagpatay. Ipakita mong matalas ang iyong sarili, pumunta ka sa kanan; ihanda mo ang iyong sarili, pumunta ka sa kaliwa, na kung saan man mapaharap ang iyong mukha. Akin din namang ipapalakpak ang aking mga kamay, at aking bibigyang kasiyahan ang aking poot; akong PANGINOON ang nagsalita." Ang salita ng PANGINOON ay muling dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, magtakda ka ng dalawang daan na panggagalingan ng tabak ng hari ng Babilonia. Silang dalawa ay kapwa lalabas sa isang lupain. Gumawa ka ng daang palatandaan at gawin mo ito sa bukana ng daang patungo sa lunsod. Ikaw ay magtakda ng daan para sa tabak na tutungo sa Rabba ng mga anak ni Ammon, at sa Juda sa Jerusalem na may kuta. Sapagkat ang hari ng Babilonia ay nakatayo sa pinaghihiwalayan ng daan, sa bukana ng dalawang daan, upang gumamit ng panghuhula. Kanyang iwinawasiwas ang mga pana, siya'y sumasangguni sa mga terafim, kanyang siniyasat ang atay. Nasa kanang kamay niya ang kapalaran para sa Jerusalem upang mag-umang ng mga panaksak, upang ibuka ang bibig na may pag-iyak, upang itaas ang tinig sa pagsigaw, upang mag-umang ng mga panghampas sa mga pintuan, upang maglagay ng mga bunton, upang magtayo ng mga toreng pangkubkob. Ngunit sa kanila ito ay magiging huwad na panghuhula. Sila'y sumumpa ng may katapatan, ngunit ipinaalala niya sa kanila ang kanilang kasamaan, upang sila'y mahuli. "Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Sapagkat inyong ipinaalala ang inyong kasamaan, ang inyong mga pagsuway ay nalantad, at sa lahat ninyong gawa ay nagsilitaw ang inyong mga kasalanan; sapagkat kayo'y naalala, kayo'y huhulihin ng kamay. At ikaw, kasuklamsuklam at masamang pinuno ng Israel, na ang araw ay dumating, ang panahon ng iyong huling parusa, ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Alisin mo ang putong, at hubarin mo ang korona; hindi mananatiling gayon ang mga bagay. Itaas mo ang mababa at ibaba mo ang mataas. Aking wawasakin, wawasakin, wawasakin ko ito, walang maiiwang bakas nito hanggang sa dumating ang may karapatan, at aking ibibigay sa kanya. "At ikaw, anak ng tao, magpropesiya ka, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS tungkolsa mga Ammonita, at tungkol sa kanilang kasiraan. Sabihin mo, Isang tabak, isang tabak ay binunot para sa pagpatay. Ito ay pinakintab upang kuminang at magliwanag na parang kidlat — samantalang sila'y nakakakita sa iyo ng huwad na pangitain, samantalang sila'y humuhula sa iyo ng mga kasinungalingan — upang ipasan sa mga leeg ng masama na ang araw ay dumating, ang panahon ng huling parusa. Isuksok mo iyan sa kanyang kaluban. Sa dakong pinaglalangan sa iyo, sa lupain ng kapanganakan mo, hahatulan kita. Aking ibubuhos ang aking galit sa iyo at hihipan ka sa pamamagitan ng apoy ng aking poot; at ibibigay kita sa kamay ng mga tampalasang tao na bihasang pumatay. Ikaw ay magiging panggatong para sa apoy, at ang iyong dugo ay mabubuhos sa gitna ng lupain. Ikaw ay hindi na maaalala, sapagkat akong PANGINOON ang nagsalita." Ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "At ikaw, anak ng tao, hahatulan mo ba, hahatulan mo ba ang madugong lunsod? Kung gayo'y ipahayag mo sa kanya ang lahat niyang kasuklamsuklam na mga gawa. Iyong sasabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Ang lunsod na nagpapadanak ng dugo sa gitna niya, ang kanyang panahon ay dumating na, gumagawa ng mga diyus-diyosan upang dungisan ang kanyang sarili! Ikaw ay naging salarin sa pamamagitan ng dugo na iyong pinadanak, at ikaw ay dinungisan ng mga diyus-diyosan na iyong ginawa. Pinalapit mo ang iyong araw, at dumating na ang takdang panahon ng iyong mga taon. Kaya't ginawa kitang isang kahihiyan sa mga bansa, at pinagtatawanan ng lahat ng mga bansa. Tutuyain ka ng malalapit at ng malalayo sa iyo, ikaw na hindi tanyag at puno ng kaguluhan. "Narito, ang mga pinuno ng Israel sa inyo, bawat isa ayon sa kanyang kapangyarihan, ay nakatuon sa pagpapadanak ng dugo. Sa iyo'y hinamak ang ama't ina, sa gitna mo ay nagdaranas ng pang-aapi ang mga nakikipamayan, sa iyo'y ginagawan ng masama ang ulila at ang babaingbalo. Iyong hinamak ang aking mga banal na bagay at nilapastangan ang aking mga Sabbath. May mga tao sa iyo na naninirang-puri upang magpadanak ng dugo, at mga tao sa iyo na kumakain sa mga bundok, mga lalaking gumagawa ng kahalayan sa iyong kalagitnaan. Sa iyo'y kanilang inililitaw ang kahubaran ng kanilang mga ama; sa iyo'y pinagpakumbaba ang mga babae na marumi na sa kanilang karumihan. At ang isa'y gumagawa ng kasuklamsuklam sa asawa ng kanyang kapwa. Ang isa'y gumagawa ng kahalayan sa kanyang manugang na babae, at ang iba sa iyo'y sinipingan ng isa ang kanyang kapatid na babae na anak ng kanyang ama. Sa iyo ay tumanggap sila ng suhol upang magpadanak ng dugo. Ikaw ay kumukuha ng patubo't pakinabang, at ikaw ay nakinabang sa iyong kapwa sa pamamagitan ng pang-aapi; at nilimot mo ako, sabi ng Panginoong DIYOS. "Narito, kaya't aking inihampas ang aking kamay sa madayang pakinabang na iyong ginawa, at sa dugo na dumanak sa gitna mo. Makakatagal ba ang iyong tapang, o mananatilibang malakas ang iyong mga kamay sa mga araw na haharapin kita? Akong PANGINOON ang nagsalita, at gagawin ko iyon. Aking pangangalatin ka sa gitna ng mga bansa, at pagwawatak-watakin kita sa mga lupain; at aking lilinisin ang iyong karumihan sa gitna mo. At lalapastanganin mo ang iyong sarili sa paningin ng mga bansa, at iyong malalaman na ako ang PANGINOON." At ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, ang sambahayan ni Israel ay naging dumi ng bakal sa akin. Silang lahat, pilak, tanso, lata, bakal at tingga sa hurno, ay naging dumi. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Sapagkat kayong lahat ay naging dumi, kaya't narito, aking titipunin kayo sa gitna ng Jerusalem. Kung paanong tinitipon ng mga tao ang pilak, tanso, bakal, tingga, at ang lata sa gitna ng hurno, upang hipan ang apoy, upang tunawin ang mga iyon; gayon ko kayo titipunin sa aking galit at poot, at aking ilalagay kayo roon at tutunawin kayo. Aking titipunin kayo at hihipan ko kayo sa pamamagitan ng apoy ng aking poot, at kayo'y matutunaw sa gitna niyon. Kung paanong ang pilak ay natutunaw sa hurno, gayon kayo matutunaw sa gitna niyon; at inyong malalaman na akong PANGINOON ang nagbuhos ng aking poot sa inyo." At ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, sabihin mo sa kanya, Ikaw ay isang lupain na hindi nilinis, o naulanan man sa araw ng pagkagalit. Ang kanyang mga pinuno sa gitna niya ay gaya ng leong umuungal na niluluray ang biktima. Kanilang sinakmal ang mga tao. Kanilang kinuha ang kayamanan at mahahalagang bagay. Pinarami nila ang mga babaing balo sa gitna niya. Ang kanyang mga pari ay nagsigawa ng karahasan sa aking mga aral at nilapastangan ang aking mga banal na bagay. Hindi nila binigyan ng pagkakaiba ang banal at ang karaniwan, o kanila mang itinuro ang kaibahan ng marumi sa malinis, at kanilang pinawalang-halaga ang aking mga Sabbath, kaya't ako'y nalapastangan sa gitna nila. Ang kanyang mga pinuno sa gitna niya ay parang mga asong-gubat na niluluray ang biktima, nagpapadanak ng dugo, nangwawasak ng mga buhay upang magkaroon ng madayang pakinabang. At pininturahan sila ng puti ng mga propeta na nakakakita ng huwad na mga pangitain, at nanghuhula ng mga kabulaanan para sa kanila, na nagsabi, 'Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS,' bagaman hindi nagsalita ang PANGINOON. Ang mga tao ng lupain ay gumawa ng pang-aapi at pagnanakaw. Kanilang inapi ang dukha at nangangailangan, at kanilang inapi ang mga dayuhan at ito'y hindi naituwid. At ako'y humanap ng lalaki sa gitna nila na gagawa ng pader, at makakatayo sa sira sa harapan ko para sa lupain, upang huwag kong wasakin; ngunit wala akong natagpuan. Kaya't aking ibinuhos ang aking galit sa kanila; aking tinupok sila ng apoy ng aking poot; ang kanilang sariling lakad ay aking siningil sa kanilang mga ulo, sabi ng Panginoong DIYOS. Ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, may dalawang babae na mga anak na babae ng isang ina; sila'y naging bayarang babae sa Ehipto. Sila'y naging bayarang babae sa panahon ng kanilang kabataan; doo'y pinisil ang kanilang mga suso at hinipo ang suso ng kanilang pagkadalaga. Ang pangalan ng nakatatanda ay Ohola at si Oholiba ang kapatid niya. Sila'y naging akin at nanganak ng mga lalaki at babae. At tungkol sa kanilang mga pangalan, si Ohola ay ang Samaria, at si Oholiba ay ang Jerusalem. "Si Ohola ay naging bayarang babae nang siya'y akin; at siya'y umibig sa kanyang mga mangingibig na mga taga-Asiria, mga mandirigma na may damit na kulay ube, mga tagapamahala at mga pinuno, silang lahat ay mga binatang makikisig, mga mangangabayo na nakasakay sa mga kabayo. Ipinagkaloob niya sa kanila ang kanyang pagiging bayarang babae, sa kanilang lahat na mga piling lalaki sa Asiria. Dinungisan niya ang kanyang sarili sa pamamagitan ng lahat ng diyus-diyosan ng mga taong kanyang kinahumalingan. Hindi niya iniwan ang kanyang pagiging bayarang babae na kanyang ginawa mula pa sa mga araw niya sa Ehipto, sapagkat sa kanyang kabataan, sila'y sumiping sa kanya at hinawakan nila ang suso ng kanyang pagkadalaga; at kanilang ibinuhos ang kanilang kahalayan sa kanya. Kaya't ibinigay ko siya sa kamay ng kanyang mga mangingibig, sa kamay ng mga taga-Asiria, na siya niyang kinahumalingan. Ang mga ito ang naglantad ng kanyang kahubaran. Kinuha nila ang kanyang mga anak na lalaki at babae at siya'y pinatay nila ng tabak. Siya'y naging tampulan ng paghamak sa mga babae nang ilapat sa kanya ang hatol. "Nakita ito ng kanyang kapatid na si Oholiba, gayunma'y siya'y higit na masama sa kanyang pagkahumaling, at sa kanyang pagiging bayarang babae, na higit pa sa kanyang kapatid. Siya'y nahumaling sa mga taga-Asiria, sa mga tagapamahala at mga pinuno sa kanyang mga kalapit, na nakadamit ng mga pinakamahusay sa mga nangangabayo na nakasakay, sa mga kabayo, na silang lahat ay mga binatang makikisig. Aking nakita na siya'y nadungisan; kapwa nila tinahak ang iisang daan. At kanyang pinalago ang kanyang pagiging bayarang babae. Siya'y nakakita ng mga lalaking nakalarawan sa mga pader, mga larawan ng mga Caldeo na nakalarawan sa bermillon, na nabibigkisan sa kanilang mga balakang, na may nakabalot na mga putong sa kanilang mga ulo. Silang lahat ay parang mga pinuno ayon sa larawan ng mga taga-Babilonia na ang lupaing tinubuan ay Caldea. Nang makita niya sila ay nahumaling siya sa kanila at nagpadala ng mga sugo sa kanila sa Caldea. At sinipingan siya ng mga taga-Babilonia sa higaan ng pag-ibig, at kanilang dinungisan siya ng kanilang kahalayan. At pagkatapos na siya'y madungisan nila, lumayo siya sa kanila na may pagkainis. Nang ipagpatuloy niya nang hayagan ang kanyang mga pagpapakasama, at inilitaw niya ang kanyang kahubaran, may pagkainis akong lumayo sa kanya, gaya ng pagtalikod ko sa kanyang kapatid. Gayunma'y kanyang pinarami ang kanyang pagiging bayarang babae, at inalaala ang mga araw ng kanyang kabataan, nang siya'y naging bayarang babae sa lupain ng Ehipto. Siya'y nahumaling sa kanyang mga kalaguyo roon, na ang laman ay parang laman ng mga asno, at ang lumalabas sa kanila ay parang ang lumalabas sa mga kabayo. Ganito mo kinasabikan ang kahalayan ng iyong kabataan, nang hipuin ng mga Ehipcio ang iyong mga dibdib at pisilin ang iyong mga suso." Kaya, O Oholiba, ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: "Aking ibabangon laban sa iyo ang iyong mga mangingibig na iyong nilayuang may pagkainis, at aking dadalhin sila laban sa iyo sa lahat ng dako: Ang mga taga-Babilonia at lahat ng Caldeo, ang Pekod, Soa, Koa, at lahat ng taga-Asiria na kasama nila, na mga binatang makikisig, mga tagapamahala at mga pinuno silang lahat, mga puno, at mga mandirigma, silang lahat ay nakasakay sa mga kabayo. At sila'y paparitong laban sa iyo na may mga karwahe, mga kariton, at napakaraming mga tao. Sila'y maghahanda laban sa iyo sa bawat panig na may mga pananggalang, kalasag at helmet. Aking ipauubaya ang hatol sa kanila, at kanilang hahatulan ka ayon sa kanilang mga kaugalian. Aking itutuon ang aking galit laban sa iyo, upang pakitunguhan ka nilang may poot. Kanilang puputulin ang iyong ilong at ang iyong mga tainga, at ang nakaligtas sa iyo ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak. Kanilang darakpin ang iyong mga anak na lalaki at babae; at ang mga nakaligtas sa iyo ay lalamunin ng apoy. Kanila rin namang huhubaran ka ng iyong mga suot, at kukunin ang iyong mga magagandang hiyas. Kaya't ganito ko wawakasan ang iyong kahalayan, at ang iyong pagiging bayarang babae na dinala mo mula sa lupain ng Ehipto. Hindi ka na masasabik sa kanila o alalahanin mo pa ang Ehipto kailanman. Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Narito, ibibigay kita sa kamay ng mga kinapopootan mo, sa kamay ng mga nilayuan mong may pagkainis; at papakitunguhan ka nila na may poot, at aalisin ang lahat ng bunga ng iyong pagpapagal, at iiwan kang hubad at hubo, at ang kahubaran ng iyong pagiging bayarang babae ay malalantad. Ang iyong kahalayan at ang iyong pagiging bayarang babae, ang nagdala nito sa iyo, sapagkat ikaw ay naging bayarang babae sa mga bansa, at iyong dinumihan ang iyong sarili ng kanilang mga diyus-diyosan. Ikaw ay lumakad sa landas ng iyong kapatid; kaya't ibibigay ko ang kanyang saro sa iyong kamay. Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: "Ikaw ay iinom sa kopa ng iyong kapatid, na ito'y malalim at malaki; ikaw ay pagtatawanan at kukutyain, sapagkat marami itong laman. Ikaw ay malalasing at mamamanglaw. Isang kopa ng lagim at kapahamakan ang kopa ng iyong kapatid na Samaria; iyong iinumin at uubusin, at iyong ngangatngatin ang mga piraso nito, at lulurayin ang iyong dibdib; sapagkat aking sinalita, sabi ng Panginoong DIYOS. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Sapagkat ako'y iyong nilimot, at tinalikuran mo ako, kaya't pasanin mo ang mga bunga ng iyong kahalayan at pagiging bayarang babae." Bukod dito'y sinabi ng PANGINOON sa akin: "Anak ng tao, hahatulan mo ba si Ohola at si Oholiba? Kung gayo'y ipahayag mo sa kanila ang kanilang mga kasuklamsuklam na gawain. Sapagkat sila'y nagkasala ng pangangalunya, at ang dugo ay nasa kanilang mga kamay. Kasama ng kanilang mga diyus-diyosan ay nagkasala sila sa pagsamba sa mga iyon, at pinadaan sa apoy ang kanilang mga anak na kanilang ipinanganak sa akin bilang pagkain nila. Bukod dito'y ginawa nila ito sa akin: kanilang nilapastangan ang aking santuwaryo nang araw ding iyon, at nilapastangan ang aking mga Sabbath. Sapagkat nang kanilang patayin ang kanilang mga anak bilang handog sa kanilang mga diyus-diyosan, pumunta sila nang araw ding iyon sa aking santuwaryo upang lapastanganin ito. Ganito ang kanilang ginawa sa aking bahay. Nagsugo pa sila ng mga taong nagmumula sa malayo, na siyang ipinasundo sa sugo, at sila'y dumating. Iyong pinaliguan ang iyong sarili para sa kanila, kinulayan mo ang iyong mga mata, at ginayakan mo ang iyong sarili; naupo ka sa isang magarang upuan, na may hapag na nakahanda sa harapan niyon, na siya mong pinaglapagan ng aking insenso at langis. Ang tunog ng maraming taong walang iniintindi ay nasa kanya; at kasama ng mga pangkaraniwang lalaki ay dinala ang mga maglalasing na mula sa ilang. Kanilang nilagyan ng mga pulseras ang mga kamay ng mga babae, at magagandang korona sa kanilang mga ulo. "Nang magkagayo'y sinabi ko, Hindi ba nangangalunya ngayon ang mga lalaki kapag sila'y nagpapaupa sa kanya? Sapagkat kanilang sinipingan siya, na parang sumiping sila sa isang upahang babae. Gayon nila sinipingan sina Ohola at Oholiba, mga masasamang babae. Ngunit ang matutuwid na tao ang hahatol sa kanila ng kahatulan na may hatol sa mangangalunya, at ng hatol sa mga babae na nagpadanak ng dugo; sapagkat sila'y mangangalunya, at ang dugo ay nasa kanilang mga kamay." Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: "Magdala ka ng isang hukbo laban sa kanila, at gagawin ko silang tampulan ng takot at pagsamsam. At babatuhin sila ng hukbo, at tatagain sila ng kanilang mga tabak; papatayin nila ang kanilang mga anak na lalaki at babae, at susunugin ng apoy ang kanilang mga bahay. Ganito ko wawakasan ang kahalayan sa lupain, upang ang lahat ng mga babae ay mabalaan na huwag gumawa ng gayong kahalayan na inyong ginawa. At sisingilin ang inyong kahalayan sa inyo, at inyong papasanin ang mga kaparusahan para sa inyong makasalanang pagsamba sa diyus-diyosan at inyong malalaman na ako ang Panginoong DIYOS. Nang ikasampung araw ng ikasampung buwan ng ikasiyam na taon, ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, isulat mo ang pangalan ng araw na ito, ang araw ding ito. Kinubkob ng hari ng Babilonia ang Jerusalem sa araw ding ito. At magsalita ka ng isang talinghaga sa mapaghimagsik na sambahayan, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Magsalang ka ng palayok, isalang mo, at buhusan mo rin ng tubig; ilagay mo rito ang mga piraso ng laman, lahat ng mabubuting putol, ang hita at ang balikat; punuin mo ng mga piling buto. Kumuha ka ng piling-pili mula sa kawan, at ibunton mo ang mga kahoy sa ilalim niyon; pakuluan mong mabuti; lutuin mo rin ang mga buto sa loob niyon. "Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Kahabag-habag ang madugong lunsod, ang kaldero na may kalawang, at ang kalawang ay hindi naalis doon! Ilabas mo mula roon ang pira-piraso, na walang pamimiling ginawa roon. Sapagkat ang dugo na kanyang pinadanak ay nasa gitna pa rin niya. Inilagay niya ito sa lantad na bato; hindi niya ito ibinuhos sa lupa upang tabunan ng alabok. Upang pukawin ang aking poot, upang maghiganti, inilagay ko sa lantad na bato ang dugo na kanyang pinadanak upang hindi ito matakpan. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Kahabag-habag ang madugong lunsod! Akin ding patataasin ang bunton. Ibunton ang kahoy, paningasin ang apoy, pakuluang mabuti ang laman, ihalo ang mga pampalasa, at sunugin ang mga buto. Pagkatapos ay ilagay itong walang laman sa mga baga, upang ito ay uminit, at ang tanso niyo'y masunog, upang ang dumi niyon ay matunaw roon, upang mawala ang kalawang niyon. Ako'y nagpakapagod sa walang kabuluhan, ang makapal nitong kalawang ay hindi naaalis sa pamamagitan ng apoy. Ang kalawang niyon ay ang iyong maruming kahalayan. Sapagkat ikaw ay lilinisin ko sana at hindi ka nalinis sa iyong karumihan, hindi ka na malilinis pa hanggang sa aking malubos ang aking poot sa iyo. Akong PANGINOON ang nagsalita, ito'y mangyayari, ito'y aking gagawin. Hindi ako magpipigil, ni magpapatawad, ni magsisisi man. Ayon sa iyong mga lakad at mga gawa ay hahatulan kita, sabi ng Panginoong DIYOS." Ang salita ng PANGINOON ay dumating din sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, narito, malapit ko nang alisin sa iyo sa pamamagitan ng kamatayan ang kaluguran ng iyong mga mata. Gayunma'y hindi ka tatangis, ni iiyak man, ni aagos man ang iyong mga luha. Magbuntung-hininga ka, ngunit huwag malakas; huwag mong tangisan ang patay. Itali mo ang iyong putong, at isuot mo ang iyong mga sandalyas sa iyong mga paa. Huwag mong takpan ang iyong mga bigote, at huwag kang kumain ng tinapay ng mga tao." Kinaumagahan, nagsalita ako sa taong-bayan, at kinagabihan ay namatay ang aking asawa. Aking ginawa nang sumunod na umaga ang gaya ng iniutos sa akin. At sinabi ng taong-bayan sa akin, "Hindi mo ba sasabihin sa amin kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito sa amin, kung bakit ikaw ay kumikilos ng ganyan?" Nang magkagayo'y sinabi ko sa kanila, "Ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi: 'Sabihin mo sa sambahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Narito, aking lalapastanganin ang aking santuwaryo, ang kapalaluan ng inyong kapangyarihan, ang kaluguran ng inyong mga mata, at naisin ng inyong kaluluwa. Ang inyong mga anak na lalaki at babae na inyong iniwan sa hulihan ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak. Inyong gagawin ang gaya ng aking ginawa; hindi ninyo tatakpan ang inyong mga bigote, o kakain man ng tinapay ng mga tao. Ang inyong putong ay malalagay sa inyong mga ulo, at ang inyong mga sandalyas sa inyong mga paa. Kayo'y hindi tatangis o iiyak man, kundi kayo'y manlulupaypay sa inyong mga kasamaan, at dadaing sa isa't isa. Ganito magiging isang tanda sa inyo si Ezekiel; ayon sa lahat niyang ginawa ay inyong gagawin. Kapag ito'y nangyari, inyong malalaman na ako ang Panginoong DIYOS.' "At ikaw, anak ng tao, sa araw na iyon nang aking alisin sa kanila ang kanilang lakas, ang kanilang kagalakan at kaluwalhatian, ang kaluguran ng kanilang mga mata, at ang ninanais ng kanilang puso, maging ang kanilang mga anak na lalaki at babae, na sa araw na iyon ay darating sa inyo ang isang takas upang iulat sa inyo ang balita. Sa araw na iyon ay bubuka ang iyong bibig sa kanya na nakatakas, at ikaw ay magsasalita, at hindi na mapipipi pa. Kaya't ikaw ay magiging isang tanda sa kanila; at kanilang malalaman na ako ang PANGINOON." Ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, humarap ka sa mga anak ni Ammon, at magsalita ka ng propesiya laban sa kanila. Sabihin mo sa mga anak ni Ammon, "Inyong pakinggan ang salita ng Panginoong DIYOS: Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS, Sapagkat iyong sinabi, 'Aha!' laban sa aking santuwaryo nang ito'y malapastangan; at laban sa lupain ng Israel nang ito'y sirain; at laban sa sambahayan ni Juda nang ito'y tumungo sa pagkabihag; kaya't narito, aking ibibigay ka sa mga tao sa silangan bilang ari-arian. Itatayo nila ang kanilang mga kampo na kasama mo, at gagawa ng kanilang mga tolda sa kalagitnaan mo. Kanilang kakainin ang iyong bungang-kahoy, at kanilang iinumin ang iyong gatas. Aking gagawin ang Rabba na pastulan ng mga kamelyo, at ang mga lunsod ng mga anak ni Ammon bilang pahingahan ng mga kawan; at inyong malalaman na ako ang PANGINOON. Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Sapagkat ipinalakpak mo ang iyong mga kamay, at ipinadyak mo ang iyong mga paa, at nagalak ka na may buong paghamak ng iyong kalooban laban sa lupain ng Israel, kaya't iniunat ko ang aking kamay laban sa iyo, at ibibigay kita bilang samsam sa mga bansa. Tatanggalin kita mula sa mga bayan, ipalilipol kita mula sa mga bansa at aking wawasakin ka. At iyong malalaman na ako ang PANGINOON. "Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Sapagkat sinabi ng Moab at ng Seir, Narito, ang sambahayan ni Juda ay gaya ng lahat ng ibang mga bansa; kaya't narito, aking bubuksan ang tagiliran ng Moab mula sa mga bayan sa kanyang mga hangganan, ang kaluwalhatian ng bansa, ang Bet-jesimot, Baal-meon, at Kiryataim. Ibibigay ko itong kasama ang mga anak ni Ammon sa mga tao sa silangan bilang ari-arian, upang ang mga ito ay huwag nang maalala sa gitna ng mga bansa, at ako'y maglalapat ng hatol sa Moab. At kanilang malalaman na ako ang PANGINOON. "Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Sapagkat ang Edom ay gumawang may paghihiganti sa sambahayan ni Juda at nagkasala ng mabigat sa paghihiganti sa kanila, kaya't ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS, Iuunat ko ang aking kamay laban sa Edom, at aking aalisin doon ang tao at hayop. Gagawin ko itong wasak mula sa Teman hanggang sa Dedan at babagsak sila sa pamamagitan ng tabak. At aking gagawin ang aking paghihiganti sa Edom sa pamamagitan ng kamay ng aking bayang Israel. Kaya't kanilang gagawin sa Edom ang ayon sa aking galit, at ayon sa aking poot; at kanilang malalaman ang aking paghihiganti, sabi ng Panginoong DIYOS. "Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Sapagkat ang mga Filisteo ay gumawa ng paghihiganti, at naghiganti na may masamang hangarin ng puso upang mangwasak na may walang hanggang pagkagalit; kaya't ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Aking iuunat ang aking kamay laban sa mga Filisteo, at aking tatanggalin ang mga Kereteo, at wawasakin ko ang nalalabi sa baybaying-dagat. Ako'y maglalapat ng matinding paghihiganti sa kanila na may mabangis na pagpaparusa. At kanilang malalaman na ako ang PANGINOON, kapag aking isinagawa ang aking paghihiganti sa kanila." Nang unang araw ng buwan na siyang ikalabing-isang taon, ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, sapagkat sinabi ng Tiro tungkol sa Jerusalem, 'Aha, ang pintuan ng mga bayan ay wasak, iyon ay bumukas sa akin. Ako'y muling mapupuno ngayong siya'y wasak; kaya't ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Narito, ako'y laban sa iyo, O Tiro, at aking pasasampahin ang maraming bansa laban sa iyo, gaya ng pagsampa ng dagat ng kanyang mga alon. Kanilang gigibain ang mga pader ng Tiro, at ibabagsak ang kanyang mga tore; at aking kakayurin ang kanyang lupa, at gagawin ko siyang hubad na bato. Siya'y magiging dakong ladlaran ng mga lambat sa gitna ng dagat; sapagkat aking sinalita, sabi ng Panginoong DIYOS; at siya'y magiging samsam sa mga bansa. At ang kanyang mga anak na babae na nasa lupain ay papatayin ng tabak, at kanilang malalaman na ako ang PANGINOON. "Sapagkat ganito ang sinasabi ng Panginoong DIYOS: Narito, aking dadalhin sa Tiro, mula sa hilaga, si Nebukadnezar na hari ng Babilonia, na hari ng mga hari, na may mga kabayo at mga karwahe, may mga mangangabayo, at isang hukbo ng maraming kawal. Kanyang papatayin ng tabak ang iyong mga anak na babae sa lupain; at siya'y gagawa ng mga pader na pangkubkob laban sa iyo, at magtatayo ng isang bunton laban sa iyo, at magtataas ng mga pananggalang laban sa iyo. Kanyang itutuon ang kanyang mga pambayo laban sa iyong mga pader, at sa pamamagitan ng kanyang mga palakol ay kanyang ibabagsak ang iyong mga muog. Magiging napakarami ang kanyang mga kabayo, anupa't tatakpan ka ng kanilang alabok. Ang iyong mga pader ay uuga sa ugong ng mga mangangabayo, mga kariton, at ng mga karwahe, kapag siya'y papasok sa iyong mga pintuan na gaya ng pagpasok ng tao sa isang lunsod na binutasan. Tatapakan ng mga paa ng kanyang mga kabayo ang lahat mong mga lansangan; papatayin niya ng tabak ang iyong bayan at ang matitibay mong haligi ay mabubuwal sa lupa. Kanilang sasamsamin ang iyong mga kayamanan, at nanakawin ang iyong kalakal. Kanilang ibabagsak ang iyong mga pader at gigibain ang iyong magagandang bahay. Ang iyong mga bato, kahoy at ang lupa ay ihahagis nila sa gitna ng dagat. Aking patitigilin ang tinig ng iyong mga awit, at ang tunog ng iyong mga lira ay hindi na maririnig. At gagawin kitang hubad na bato. Ikaw ay magiging dakong ladlaran ng mga lambat; ikaw ay hindi na muling itatayo sapagkat akong PANGINOON ang nagsalita, sabi ng Panginoong DIYOS. "Ganito ang sabing Panginoong DIYOS sa Tiro: Hindi ba mayayanig ang mga pulo sa tunog ng iyong pagbagsak, kapag ang nasugatan ay dumaraing, kapag ang patayan ay ginawa sa gitna mo? Kung magkagayo'y bababa ang lahat ng mga pinuno sa dagat mula sa kanilang mga trono, at aalisin ang kanilang mga balabal, at huhubarin ang kanilang mga damit na may burda. Sila'y mababalot ng panginginig; sila'y magsisiupo sa lupa, at manginginig bawat sandali, at matatakot sa iyo. At mananaghoy sila para sa iyo, at sasabihin sa iyo, 'Paano ka napahamak, O ikaw na tinatahanan mula sa karagatan, O tanyag na lunsod, na makapangyarihan sa dagat, ikaw at ang iyong mga mamamayan, na naglalapat ng pagkatakot sa iyo sa lahat ng kanyang mga mamamayan! Ang mga pulo ngayon ay nayayanig sa araw ng iyong pagbagsak; oo, ang mga pulo na nasa dagat ay natakot sa iyong pagyaon.' "Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Kapag ikaw ay ginawa kong wasak na lunsod, gaya ng mga lunsod na walang naninirahan, kapag tinabunan kita ng kalaliman, at tinakpan ka ng maraming tubig; kung gayo'y ibababa kita na kasama nila na bumababa sa hukay, sa mga tao nang una, at patitirahin kita sa malalim na bahagi ng lupa, sa mga dakong wasak na nang una, na kasama ng nagsibaba sa hukay, upang ikaw ay hindi na tahanan, o magkaroon ng lugar sa lupain ng mga buhay, ngunit ako'y maglalagay ng kaluwalhatian sa lupain ng mga buhay. Ako'y magdadala sa inyo ng mga kakilakilabot at hindi ka na mabubuhay; ikaw ay mawawala na, bagaman ikaw ay hanapin, ay hindi ka na muling matatagpuan, sabi ng Panginoong DIYOS." Bukod dito'y ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "At ikaw, anak ng tao, managhoy ka para sa Tiro; at sabihin mo sa Tiro na naninirahan sa pasukan sa dagat, ang mangangalakal ng mga bansa sa maraming pulo, ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: "O Tiro, sinabi mo, 'Ako'y sakdal sa kagandahan.' Ang iyong mga hangganan ay nasa kalaliman ng mga dagat; ginawang sakdal ang iyong kagandahan ng iyong mga tagapagtayo. Ang lahat mong mga tabla ay mula sa mga puno ng abeto na mula sa Senir; sila'y nagsikuha ng sedro mula sa Lebanon, upang gumawa ng palo para sa iyo. Ginawa nilang iyong mga sagwan ang mga ensina sa Basan; kanilang ginawang mga bangko ang mga puno ng pino mula sa mga pulo ng Chittim na balot ng garing. Pinong telang lino na may burda mula sa Ehipto ang iyong layag na nagsisilbing iyong watawat; kulay asul at ube mula sa mga pulo ng Elisha ang iyong karang. Ang mga naninirahan sa Sidon at Arvad ay iyong mga tagasagwan; ang iyong mga pantas na lalaki, O Tiro, ay nasa iyo, sila ang iyong mga piloto. Ang matatanda sa Gebal at ang kanyang mga pantas na lalaki ay nasa iyo, na inaayos ang iyong mga dugtungan; ang lahat ng sasakyan sa dagat at lahat ng mga tauhan nito ay nasa iyo, upang ipangalakal ang iyong paninda. "Ang Persia, Lud, at Put ay nasa iyong hukbo bilang iyong mga mandirigma. Kanilang ibinitin ang kalasag at helmet sa iyo; binigyan ka nila ng kariktan. Ang mga lalaki ng Arvad at ang iyong hukbo ay nasa ibabaw ng iyong mga pader sa palibot, at ang mga lalaki ng Gamad ay nasa iyong mga muog. Kanilang isinabit ang kanilang mga kalasag sa iyong mga kuta sa palibot; kanilang pinasakdal ang iyong kagandahan. 'Ang Tarsis ay nangalakal sa iyo dahil sa napakalaki mong kayamanan na iba't ibang uri; ang pilak, bakal, lata, at tingga, ay ipinapalit nila sa iyong mga kalakal. Ang Javan, Tubal, at Meshec ay nakipagkalakalan sa iyo; kanilang ipinapalit ang mga tao at ang mga sisidlang tanso sa iyong mga kalakal. Ipinagpalit ng Bet-togarmah sa iyong mga kalakal ang kanilang mga kabayo at mga kabayong pandigma at mga mola. Ang mga tao sa Dedan ay nakipangalakal sa iyo. Ang maraming pulo ay naging iyong tanging pamilihan. Kanilang dinala bilang kabayaran ang mga sungay na garing at ebano. Nakipagkalakalan sa iyo ang Aram dahil sa dami ng iyong mga paninda. Sila'y nakikipagpalitan sa iyong mga kalakal ng mga esmeralda, kulay-ube, bagay na may burda, pinong telang lino, koral, at mga rubi. Nakipagkalakalan sa iyo ang lupain ng Juda at Israel. Sila'y nakikipagpalitan sa iyong mga kalakal ng trigo, olibo, pulot, langis, at balsamo. Nakipagkalakalan sa iyo ang Damasco dahil sa dami ng iyong mga paninda, dahil sa napakalaki mong kayamanan na iba't ibang uri; alak ng Helbon, at maputing lana. Nakikipagpalitan ang Vedan at Javan sa iyong mga kalakal ng sinulid na lana; ng pundidong bakal, kasia, at ng kalamo. Nakipagkalakalan sa iyo ang Dedan ng telang upuan para sa pangangabayo. Ang Arabia at lahat ng prinsipe ng Kedar ay naging iyong mga mamimili ng mga kordero, mga lalaking tupa, at mga kambing. Sa mga ito'y nakipagkalakalan sila sa iyo. Ang mga mangangalakal ng Seba at Raama ay nakipagkalakalan sa iyo. Kanilang ipinagpalit sa iyong mga kalakal ang pinakamabuting uri ng lahat ng pabango, at lahat ng mahahalagang bato at ginto. Ang Haran, Canneh, at Eden, Ashur at ang Chilmad ay nakipagkalakalan sa iyo. Ang mga ito ay nakipagkalakalan sa iyo ng mga piling pananamit, mga damit na kulay asul at may burda, at mga alpombrang may kulay na natatalian ng mga sintas at ginawang matibay. Sa mga ito'y nakipagkalakalan sila sa iyo. Ang mga sasakyan sa Tarsis ay naglakbay para sa iyong kalakal. "Kaya't ikaw ay napuno at naging totoong maluwalhati sa kalagitnaan ng mga dagat. Dinala ka ng iyong mga mananagwan sa malawak na dagat. Winasak ka ng hanging silangan sa kalagitnaan ng dagat. Ang iyong kayamanan, ang iyong mga kalakal, ang iyong paninda, ang iyong mga mananagwan, at ang iyong mga piloto, ang iyong mga taga-ayos ng dugtong, at ang tagapagtinda ng iyong mga kalakal, at ang lahat mong mandirigma na nasa iyo, at ang lahat ng pangkat na nasa gitna mo, ay lulubog sa kalagitnaan ng dagat sa araw ng iyong pagkawasak. Sa lakas ng sigaw ng iyong mga piloto, ang mga nayon ay nayayanig, at pababa sa kanilang mga sasakyan ay dumating ang lahat ng humahawak sa sagwan. Ang mga marino at lahat ng mga piloto ng dagat ay nakatayo sa pampang, at tumataghoy nang malakas sa iyo at umiiyak na mainam. Binuhusan nila ng alabok ang kanilang mga ulo, at naglubalob sa mga abo; nagpakalbo sila dahil sa iyo, at nagbigkis ng sako, at kanilang iniyakan ka na may kapaitan ng kaluluwa, at matinding pananangis. Bukod dito sa kanilang pagtangis ay nananaghoy sila para sa iyo, at tinangisan ka: 'Sino ang kagaya ng Tiro na tulad niyang tahimik sa gitna ng dagat? Kapag ang iyong mga kalakal ay dumating mula sa mga dagat, iyong binubusog ang maraming bayan; iyong pinayaman ang mga hari sa lupa ng karamihan ng iyong mga kayamanan at mga kalakal. Ngayo'y nawasak ka sa karagatan, sa kalaliman ng mga tubig; ang iyong kalakal at ang lahat mong mga tauhan ay lumubog na kasama mo. Lahat ng naninirahan sa mga pulo ay natitigilan dahil sa iyo; at ang kanilang mga hari ay tunay na natakot, sila'y nabagabag sa kaanyuan. Pinagsutsutan ka ng mga mangangalakal sa gitna ng mga bayan; ikaw ay dumating sa isang kakilakilabot na wakas, at hindi ka na mabubuhay pa magpakailanman.'" Ang salita ng PANGINOON ay dumating uli sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, sabihin mo sa pinuno ng Tiro, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: "Sapagkat ang iyong puso ay nagmamataas, at iyong sinabi, 'Ako'y diyos, ako'y nakaupo sa upuan ng mga diyos, sa pusod ng mga dagat,' gayunman ikaw ay tao lamang, at hindi Diyos, bagaman ginawa mo ang iyong puso na parang puso ng Diyos. Narito, ikaw ay higit na marunong kaysa kay Daniel; walang lihim ang malilihim sa iyo; sa pamamagitan ng iyong karunungan at pagkaunawa nagkaroon ka ng mga kayamanan para sa iyong sarili, at nakapagtipon ka ng ginto at pilak sa iyong mga kabang-yaman; sa pamamagitan ng iyong dakilang karunungan sa pangangalakal napalago mo ang iyong kayamanan, at ang iyong puso ay nagmataas dahil sa iyong kayamanan — kaya't ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: "Sapagkat ginawa mo ang iyong puso na parang puso ng Diyos, kaya't ako'y magdadala ng mga dayuhan sa iyo, ang kakilakilabot sa mga bansa; at kanilang bubunutin ang kanilang mga tabak laban sa kagandahan ng iyong karunungan, at kanilang durungisan ang iyong kaningningan. Kanilang ibababa ka sa hukay; at ikaw ay mamamatay ng kamatayan ng pinaslang sa pusod ng mga dagat. Sabihin mo pa kaya sa harapan nila na pumapatay sa iyo, 'Ako'y Diyos!' bagaman ikaw ay tao lamang at hindi Diyos, sa kamay nila na sumusugat sa iyo? Ikaw ay mamamatay ng pagkamatay ng mga hindi tuli sa pamamagitan ng kamay ng mga dayuhan; sapagkat ako ang nagsalita, sabi ng Panginoong DIYOS." Bukod dito'y dumating sa akin ang salita ng PANGINOON, na sinasabi, "Anak ng tao, managhoy ka para sa hari ng Tiro, at sabihin mo sa kanya, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: "Ikaw ang tatak ng kasakdalan, puno ng karunungan, at sakdal sa kagandahan. Ikaw ay nasa Eden na halamanan ng Diyos; bawat mahahalagang bato ay iyong kasuotan, ang sardio, topacio, diamante, berilo, onix, jaspe, zafiro, karbungko, at esmeralda; at ang ginto at ang pagkayari ng iyong pandereta at ng iyong mga plauta ay nasa iyo; sa araw na ikaw ay lalangin inihanda ang mga ito. Inilagay kita na may pinahirang kerubin na nagbabantay; ikaw ay nasa ibabaw ng banal na bundok ng Diyos; ikaw ay naglalakad sa gitna ng mga batong apoy. Ikaw ay sakdal sa iyong mga landas mula sa araw na ikaw ay lalangin, hanggang sa ang kasamaan ay matagpuan sa iyo. Dahil sa karamihan ng iyong kalakal ay napuno ka ng karahasan, at ikaw ay nagkasala; kaya't inihagis kita bilang maruming bagay mula sa bundok ng Diyos, at winasak kita, O tumatakip na kerabin mula sa gitna ng mga batong apoy. Ang iyong puso ay nagmataas dahil sa iyong kagandahan; iyong pinasama ang iyong karunungan dahil sa iyong kaningningan. Inihagis kita sa lupa; aking inilantad ka sa harapan ng mga hari, upang pagsawaan ka ng kanilang mga mata. Sa pamamagitan ng karamihan ng iyong mga kasamaan, sa kalikuan ng iyong pangangalakal, iyong nilapastangan ang iyong mga santuwaryo; kaya't ako'y naglabas ng apoy sa gitna mo; tinupok ka niyon, at ginawa kitang abo sa ibabaw ng lupa sa paningin ng lahat ng nakakita sa iyo. Silang lahat na nakakakilala sa iyo sa gitna ng mga bayan, ay natigilan dahil sa iyo; ikaw ay dumating sa isang kakilakilabot na wakas, at ikaw ay hindi na mabubuhay pa." At ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, iharap mo ang iyong mukha sa Sidon, at magsalita ka ng propesiya laban sa kanya, at iyong sabihin, ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: 'Narito, ako'y laban sa iyo, O Sidon, at aking ipahahayag ang aking kaluwalhatian sa gitna mo. At kanilang malalaman na ako ang PANGINOON, kapag ako'y naglapat ng hatol sa kanya, at aking ipahayag ang aking kabanalan sa kanya. Sapagkat ako'y magpapadala sa kanya ng salot at dugo sa kanyang mga lansangan; at ang mga pinatay ay mabubuwal sa gitna niya, sa pamamagitan ng tabak na nakaumang sa kanya sa lahat ng panig, at kanilang malalaman na ako ang PANGINOON. "At tungkol sa sambahayan ni Israel, hindi na magkakaroon pa ng tinik o dawag na mananakit sa kanila sa alinman sa nasa palibot nila na nakitungo sa kanila na may paglait. At kanilang malalaman na ako ang Panginoong DIYOS. "Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Kapag aking tinipon ang sambahayan ni Israel mula sa mga bayan na kanilang pinangalatan, at aking ipahayag ang aking kabanalan sa kanila sa paningin ng mga bansa, sila nga'y magsisitahan sa kanilang sariling lupain na aking ibinigay sa aking lingkod na si Jacob. At sila'y maninirahang tiwasay doon, at sila'y magtatayo ng mga bahay, at magtatanim ng ubasan. Sila'y maninirahang tiwasay, kapag ako'y naglapat ng mga hatol sa lahat nilang kalapit-bayan na nakitungo sa kanila na may paglait. At kanilang malalaman na ako ang PANGINOON nilang Diyos." Nang ikalabindalawang araw ng ikasampung buwan ng ikasampung taon, ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, iharap mo ang iyong mukha laban kay Faraon na hari ng Ehipto, at magsalita ka ng propesiya laban sa kanya, at laban sa buong Ehipto. Magsalita ka, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: "Narito, ako'y laban sa iyo, Faraong hari ng Ehipto, ang malaking dragon na nakahiga, sa gitna ng kanyang mga ilog, na nagsasabi; 'Ang Nilo ko ay aking sarili, at ako ang gumawa nito!' Maglalagay ako ng mga pangbingwit sa iyong mga panga, at aking padidikitin ang isda ng iyong mga ilog sa iyong mga kaliskis; at iaahon kita mula sa gitna ng iyong mga ilog, na kasama ng lahat ng isda ng iyong mga ilog na dumidikit sa iyong mga kaliskis. At ikaw ay aking itatapon sa ilang, ikaw at ang lahat ng isda sa iyong mga ilog; ikaw ay mabubuwal sa parang; at hindi titipunin, at ililibing. Ibinigay kita bilang pagkain sa mga hayop sa lupa, at sa mga ibon sa himpapawid. "At malalaman ng lahat ng naninirahan sa Ehipto na ako ang PANGINOON. Sapagkat sila'y naging tukod na tambo sa sambahayan ni Israel; nang kanilang hawakan ka sa iyong kamay, iyong binali at winasak ang kanilang mga balikat. Nang sila'y sumandal sa iyo, iyong binalian at pinanginig ang lahat nilang mga balakang. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Narito, dadalhan kita ng tabak, at aking ihihiwalay sa iyo ang tao at hayop. Ang lupain ng Ehipto ay magiging giba at sira; at kanilang malalaman na ako ang PANGINOON. "Sapagkat iyong sinabi, 'Ang Nilo ay akin, at ako ang gumawa nito;' kaya't narito, ako'y laban sa iyo at sa iyong mga sapa, at aking lubos na gigibain at sisirain ang lupain ng Ehipto, mula sa Migdol hanggang Syene, hanggang sa hangganan ng Etiopia. Walang paa ng tao na daraan doon, o paa man ng hayop na daraan doon. Ito'y hindi tatahanan sa loob ng apatnapung taon. Aking gagawing wasak ang lupain ng Ehipto sa gitna ng mga lupaing wasak; at ang kanyang mga lunsod sa gitna ng mga bansang giba ay magiging sira sa loob ng apatnapung taon. Aking pangangalatin ang mga Ehipcio sa gitna ng mga bansa, at aking pagwawatak-watakin sila sa mga lupain. "Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Sa katapusan ng apatnapung taon ay aking titipunin ang mga Ehipcio mula sa mga bayan na kanilang pinangalatan; at aking ibabalik uli ang kapalaran ng Ehipto, at aking ibabalik sila sa lupain ng Patros, sa lupain na kanilang pinagmulan; at sila doo'y magiging isang mababang kaharian. Siya'y magiging pinakamababa sa mga kaharian; at hindi na muling matataas pa nang higit kaysa mga bansa. At gagawin ko silang napakaliit na anupa't hindi na sila mamumuno sa mga bansa. At ito ay hindi na muling aasahan pa ng sambahayan ni Israel, na nagpapaalala ng kanilang kasamaan, nang sila'y humingi sa kanila ng tulong. At kanilang malalaman na ako ang Panginoong DIYOS." Nang unang araw ng unang buwan ng ikadalawampu't pitong taon, ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, pinapagtrabaho nang mabigat ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia ang kanyang kawal laban sa Tiro. Bawat ulo ay kinalbo, at lahat ng balikat ay napaltos; gayunma'y wala siyang nakuhang anuman o ang kanyang hukbo man mula sa Tiro upang ipambayad sa paglilingkod na kanyang ipinaglingkod laban doon. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Narito, aking ibibigay ang lupain ng Ehipto kay Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at dadalhin niya ang kanyang kayamanan. Kanyang sasamsaman ito at iyon ang magiging upa para sa kanyang hukbo. Ibinigay ko sa kanya ang lupain ng Ehipto bilang ganti sa kanya dahil sa kanyang ipinaglingkod, sapagkat sila'y gumawa para sa akin, sabi ng Panginoong DIYOS. "Sa araw na iyon, aking palilitawin ang isang sungay upang umusli sa sambahayan ni Israel, at aking bubuksan ang iyong mga labi sa gitna nila. Kanilang malalaman na ako ang PANGINOON." Ang salita ng PANGINOON ay dumating uli sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, magpahayag ka ng propesiya at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: "Managhoy kayo, 'Kahabag-habag ang araw na iyon!' Sapagkat ang araw ay malapit na, ang araw ng PANGINOON ay malapit na, magiging araw iyon ng mga ulap, panahon ng kapahamakan para sa mga bansa. Ang isang tabak ay darating sa Ehipto, at ang kahirapan ay darating sa Etiopia, kapag ang mga patay ay nabubuwal sa Ehipto; at dinadala nila ang kanyang kayamanan, at ang kanyang mga pundasyon ay winawasak. Ang Etiopia, Put, Lud, buong Arabia, Libya, at ang mga anak ng lupain na magkakasundo, ay mabu buwal na kasama nila sa pamamagitan ng tabak. "Ganito ang sabi ng PANGINOON: Ang mga tumutulong sa Ehipto ay mabubuwal, at ang kanyang palalong kapangyarihan ay bababa, mula sa Migdol hanggang sa Syene mabubuwal sila roon sa pamamagitan ng tabak, sabi ng Panginoong DIYOS. At sila'y mawawasak sa gitna ng mga lupaing wasak; at ang kanyang mga lunsod ay malalagay sa gitna ng mga lunsod na giba. At kanilang malalaman na ako ang PANGINOON, kapag ako'y nagpaningas ng apoy sa Ehipto, at ang lahat ng kanyang mga katulong ay nalipol. "Sa araw na iyon ay lalabas ang mabibilis na mga sugo mula sa harapan ko upang takutin ang hindi naghihinalang mga taga-Etiopia; at magkakaroon ng kahirapan sa kanila sa araw ng kapahamakan ng Ehipto; sapagkat narito, ito'y dumarating! "Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Akin namang wawakasan ang karamihan ng Ehipto, sa pamamagitan ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia. Siya at ang kanyang bayang kasama niya, na kakila-kilabot sa mga bansa, ay ipapasok upang gibain ang lupain; at kanilang bubunutin ang kanilang mga tabak laban sa Ehipto, at pupunuin ng mga patay ang lupain. At aking tutuyuin ang Nilo, at aking ipagbibili ang lupain sa kamay ng masasamang tao; at aking sisirain ang lupain at lahat ng naroon, sa pamamagitan ng kamay ng mga dayuhan; akong PANGINOON ang nagsalita. "Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Aking wawasakin ang mga diyus-diyosan, at aking wawakasan ang mga larawan sa Memfis; at hindi na magkakaroon pa ng pinuno sa lupain ng Ehipto; at ako'y maglalagay ng takot sa lupain ng Ehipto. Aking sisirain ang Patros, at ako'y magsusunog sa Zoan, at maglalapat ako ng mga hatol sa Tebes. Aking ibubuhos ang aking poot sa Sin, na tanggulan ng Ehipto, at aking ititiwalag ang karamihan ng Tebes. At ako'y magpapaningas ng apoy sa Ehipto; ang Sin ay malalagay sa malaking kadalamhatian; at ang Tebes ay mabubutas, at ang Memfis ay magkakaroon ng mga kahirapan sa araw-araw. Ang mga binata ng On at Pi-beseth ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak; at ang mga babae ay tutungo sa pagkabihag. Sa Tafnes nama'y magdidilim ang araw, kapag aking binasag doon ang mga pamatok ng Ehipto, at ang kanyang palalong kapangyarihan ay magwawakas; tatakpan siya ng ulap, at ang kanyang mga anak na babae ay tutungo sa pagkabihag. Ganito ko ilalapat ang mga kahatulan sa Ehipto. Kanilang malalaman na ako ang PANGINOON." Nang ikapitong araw ng unang buwan ng ikalabing-isang taon, ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, aking binali ang bisig ni Faraon na hari ng Ehipto; at narito, hindi ito natalian, upang pagalingin ito, ni binalot ng tapal, upang ito ay maging malakas na humawak ng tabak. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Ako'y laban kay Faraon na hari ng Ehipto, at aking babaliin ang kanyang mga bisig, ang malakas na bisig at ang nabali; at aking pababagsakin ang tabak mula sa kanyang kamay. Aking pangangalatin ang mga Ehipcio sa gitna ng mga bansa, at pagwawatak-watakin ko sila sa mga lupain. Aking palalakasin ang mga bisig ng hari ng Babilonia, at ilalagay ko ang aking tabak sa kanyang kamay; ngunit aking babaliin ang mga bisig ni Faraon, at siya'y dadaing sa harap niya tulad ng taong nasugatan nang malubha. Aking palalakasin ang mga bisig ng hari ng Babilonia, ngunit ang mga bisig ni Faraon ay babagsak, at kanilang malalaman na ako ang PANGINOON. Kapag aking inilagay ang aking tabak sa kamay ng hari ng Babilonia, kanyang iuunat ito sa lupain ng Ehipto. At aking pangangalatin ang mga Ehipcio sa gitna ng mga bansa at pagwawatak-watakin sila sa mga lupain. Kanilang malalaman na ako ang PANGINOON." Nang unang araw ng ikatlong buwan ng ikalabing-isang taon, ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, sabihin mo kay Faraon na hari ng Ehipto, at sa kanyang karamihan: "Sino ang iyong kawangis sa iyong kadakilaan? Narito, tingnan mo, ikaw ay ihahambing ko sa sedro sa Lebanon, na may magagandang sanga, at may mayabong na lilim, at napakataas, at ang kanyang dulo ay nasa gitna ng mayayabong na sanga. Dinidilig siya ng tubig, pinalalaki siya ng kalaliman, ang kanyang mga ilog ay umaagos sa palibot ng kanyang kinatataniman; at kanyang pinaaagos ang kanyang mga tubig sa lahat ng punungkahoy sa kagubatan. Kaya't ito ay naging napakataas at higit kaysa lahat ng punungkahoy sa gubat; at ang kanyang mga sanga ay dumami, at ang kanyang mga sanga ay humaba, dahil sa saganang tubig nang kanyang pabugsuan. Lahat ng ibon sa himpapawid ay gumawa ng kanilang mga pugad sa kanyang mga sanga; at sa ilalim ng kanyang mga sanga ay nanganak ang lahat ng mga hayop sa parang; at sa kanyang lilim ay nanirahan ang lahat ng malalaking bansa. Ito ay maganda sa kanyang kadakilaan, sa haba ng kanyang mga sanga; sapagkat ang kanyang ugat ay bumaba hanggang sa saganang tubig. Ang mga sedro sa halamanan ng Diyos ay hindi makapantay sa kanya; ni ang mga puno ng abeto ay hindi gaya ng kanyang mga sanga, at ang mga puno ng kastano ay walang halaga kapag inihambing sa kanyang mga sanga; walang anumang punungkahoy sa halamanan ng Diyos na kagaya niya sa kanyang kagandahan. Pinaganda ko siya sa karamihan ng kanyang mga sanga, kaya't lahat ng punungkahoy sa Eden, na nasa halamanan ng Diyos, ay nainggit sa kanya. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Sapagkat ikaw ay nagpakataas at inilagay niya ang kanyang dulo sa gitna ng mayayabong na sanga, at ang kanyang puso ay nagmataas sa kanyang kataasan, aking ibibigay siya sa kamay ng makapangyarihan sa mga bansa. Kanyang haharapin siya na gaya ng nararapat sa kanyang kasamaan. Aking pinalayas siya. Ang mga dayuhan na siyang kakilakilabot sa mga bansa ang puputol sa kanya at siya'y iiwan. Sa ibabaw ng mga bundok at sa lahat ng mga libis ay malalaglag ang kanyang mga sanga, at ang kanyang mga sanga ay mababali sa tabi ng lahat ng mga ilog ng lupain; ang lahat ng tao sa lupa ay lalayo mula sa kanyang lilim at iiwan siya. Sa ibabaw ng kanyang guho ay maninirahan ang lahat ng mga ibon sa himpapawid, at lahat ng mga hayop sa parang ay maninirahan sa ibabaw ng kanyang mga sanga. Ito ay upang walang punungkahoy na nasa tabi ng mga tubig ang lumago ng napakataas, o maglagay man ng kanilang dulo sa gitna ng mayayabong na sanga, at walang puno na umiinom ng tubig ang makaabot sa kanilang kataasan, sapagkat silang lahat ay ibinigay na sa kamatayan, sa pinakamalalim na bahagi ng lupa, sa gitna ng mga taong may kamatayan, na kasama ng nagsibaba sa hukay. "Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Kapag siya'y bumaba sa Sheol ay patatangisin ko ang kalaliman dahil sa kanya, at pipigilin ko ang mga ilog niya; at ang mga malalaking ilog ay titigil. Aking daramtan ng panangis ang Lebanon dahil sa kanya at ang lahat na punungkahoy sa parang ay manlulupaypay dahil sa kanya. Aking yayanigin ang mga bansa sa ugong ng kanyang pagkabuwal, aking ihahagis siya sa Sheol na kasama ng nagsibaba sa hukay; at ang lahat ng punungkahoy sa Eden, ang pili at pinakamahusay ng Lebanon, lahat ng nagsisiinom ng tubig ay maaaliw sa pinakamalalim na bahagi ng lupa. Sila rin nama'y magsisibaba sa Sheol na kasama niya, sa kanila na napatay ng tabak; oo, silang naninirahan sa kanyang lilim sa gitna ng mga bansa ay mamamatay. Sino sa inyo ang gaya ng punungkahoy sa Eden sa kaluwalhatian at sa kadakilaan? Ibababa ka na kasama ng mga punungkahoy sa Eden sa pinakamalalim na bahagi ng lupa. Ikaw ay hihigang kasama ng mga di-tuli, na kasama nila na napatay ng tabak. "Ito'y si Faraon at ang lahat niyang karamihan, sabi ng Panginoong DIYOS." Nang unang araw ng ikalabindalawang buwan ng ikalabindalawang taon, ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, managhoy ka dahil kay Faraong hari ng Ehipto, at sabihin mo sa kanya: "Itinuturing mo ang iyong sarili bilang isang leon sa gitna ng mga bansa, gayunman, ikaw ay parang dragon sa mga dagat; at ikaw ay lumitaw sa iyong mga ilog, at nilabo mo ng iyong mga paa ang tubig, at dinumihan mo ang kanilang mga ilog. Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Aking ilaladlad ang aking lambat sa iyo na kasama ng isang pulutong ng maraming tao; at iaahon ka nila sa aking lambat. At ihahagis kita sa lupa, ihahagis kita sa malawak na parang, at aking padadapuin sa iyo ang lahat ng mga ibon sa himpapawid, at aking bubusugin sa iyo ang mga hayop ng buong lupa. At aking ilalagay ang iyong laman sa ibabaw ng mga bundok, at pupunuin ko ang mga libis ng iyong mga kataasan. Aking didiligin ang lupain ng iyong dumadaloy na dugo maging sa mga bundok; at ang mga daan ng tubig ay mapupuno dahil sa iyo. Kapag ikaw ay aking inalis, aking tatakpan ang langit, at padidilimin ko ang kanilang mga bituin; aking tatakpan ng ulap ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag. Lahat na maningning na liwanag sa langit ay aking padidilimin sa iyo, at tatakpan ko ng kadiliman ang iyong lupain, sabi ng Panginoong DIYOS. "Aking guguluhin ang puso ng maraming bayan, kapag dinala kitang bihag sa gitna ng mga bansa, patungo sa mga lupain na hindi mo nalalaman. Dahil sa akin, ang maraming bayan ay mamamangha sa iyo, at ang kanilang mga hari ay lubhang matatakot sa iyo, kapag ikinumpas ko ang aking tabak sa harapan nila. Sila'y manginginig bawat sandali, bawat tao dahil sa kanyang sariling buhay, sa araw ng iyong pagbagsak. Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Ang tabak ng hari ng Babilonia ay darating sa iyo. Sa pamamagitan ng mga tabak ng makapangyarihan ay aking pababagsakin ang iyong karamihan, silang lahat na kakilakilabot sa mga bansa. "Kanilang pawawalan ng halaga ang kapalaluan ng Ehipto, at ang buong karamihan niyon ay malilipol. Aking lilipulin ang lahat ng mga hayop niyon mula sa tabi ng maraming tubig; at hindi sila guguluhin pa ng paa ng tao, ni guguluhin man sila ng mga kuko ng mga hayop. Kung magkagayo'y aking palilinawin ang kanilang tubig, at aking paaagusin ang kanilang mga ilog na parang langis, sabi ng Panginoong DIYOS. Kapag aking ginawang giba ang lupain ng Ehipto, at kapag ang lupain ay nawalan ng kanyang laman, kapag aking sasaktan silang lahat na nagsisitahan doon, kung magkagayon ay kanila ngang malalaman na ako ang PANGINOON. Ito ang panaghoy na kanilang itataghoy; itataghoy ito ng mga anak na babae ng mga bansa; sa Ehipto, at sa lahat ng kanyang karamihan ay itataghoy nila ito, sabi ng Panginoong DIYOS." Nang ikalabinlimang araw ng unang buwan ng ikalabindalawang taon, ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, iyakan mo ang karamihan ng Ehipto, at ibaba mo ito, siya at ang mga anak na babae ng mga makapangyarihang bansa, hanggang sa pinakamalalim na bahagi ng lupa, na kasama ng mga bumaba sa hukay. 'Sinong dinadaig mo sa kagandahan? Bumaba ka, at malagay kang kasama ng mga di-tuli.' Sila'y mabubuwal sa gitna nila na napatay ng tabak, at kasama niya ang lahat niyang karamihan. Ang mga makapangyarihang pinuno ay magsasalita tungkol sa kanila, na kasama ang tumulong sa kanila, mula sa gitna ng Sheol. 'Sila'y nagsibaba, sila'y nakatigil, samakatuwid ay ang mga hindi tuli na napatay ng tabak.' "Ang Asiria ay naroon at ang buo niyang pulutong; ang kanyang mga libingan ay nasa palibot niya, silang lahat na napatay, na nabuwal sa pamamagitan ng tabak; na ang mga libingan ay nakalagay sa pinakamalalim na bahagi ng hukay, at ang kanyang pulutong ay nasa palibot ng kanyang libingan; silang lahat na napatay, na nabuwal sa pamamagitan ng tabak, na naghasik ng takot sa lupain ng buhay. "Naroon ang Elam at ang buo niyang karamihan sa palibot ng kanyang libingan; silang lahat na napatay na nabuwal sa pamamagitan ng tabak, na nagsibabang hindi mga tuli sa pinakamalalim na bahagi ng lupa, na naghasik ng takot sa kanila sa lupain ng buhay, at dinala ang kanilang kahihiyan na kasama ng nagsibaba sa hukay. Kanilang iginawa ang Elam ng higaan sa gitna ng mga napatay na kasama ang lahat niyang karamihan, ang kanilang mga libingan ay nasa palibot niya, silang lahat na di-tuli na napatay sa pamamagitan ng tabak. Ang pagkatakot sa kanila ay ikinalat sa lupain ng buhay, at dinala nila ang kanilang kahihiyan na kasama ng mga bumaba sa hukay. Sila'y inilagay na kasama ng mga napatay. "Naroon ang Meshec at Tubal, at ang lahat nilang karamihan. Ang mga libingan nila ay nasa palibot niya, silang lahat na hindi tuli, na napatay sa pamamagitan ng tabak; sapagkat sila'y naghasik ng takot sa lupain ng buhay. At sila'y hindi humigang kasama ng makapangyarihang lalaki nang una na nabuwal na nagsibaba sa Sheol na dala ang kanilang mga sandatang pandigma, na ang kanilang mga tabak ay inilagay sa ilalim ng kanilang mga ulo, ngunit ang parusa para sa kanilang kasamaan ay nasa kanilang mga buto; sapagkat ang pagkatakot sa mga makapangyarihang lalaki ay nasa lupain ng buhay. Ngunit ikaw ay mabubuwal sa gitna ng mga di-tuli, kasama nila na napatay sa pamamagitan ng tabak. "Naroon ang Edom, ang kanyang mga hari at lahat niyang mga pinuno, na sa kanilang kapangyarihan ay nahiga na kasama ng napatay ng tabak. Sila'y humigang kasama ng mga di-tuli, at niyong nagsibaba sa hukay. "Naroon ang mga pinuno sa hilaga, silang lahat, at lahat ng mga taga-Sidon, sa kabila ng lahat ng takot na ibinunga ng kanilang kapangyarihan ay nagsibabang may kahihiyan na kasama ng patay. Sila'y nahigang hindi tuli na kasama ng napatay sa pamamagitan ng tabak, at taglay ang kanilang kahihiyan na kasama ng nagsibaba sa hukay. "Kapag nakita sila ni Faraon, aaliwin niya ang sarili dahil sa lahat niyang karamihan — si Faraon at ng buo niyang hukbo na napatay ng tabak, sabi ng Panginoong DIYOS. Bagama't naghasik ako ng takot sa kanya sa lupain ng buhay; at siya'y ihihiga sa gitna ng mga di-tuli, na kasama ng napatay ng tabak, si Faraon at ang karamihan niya, sabi ng Panginoong DIYOS." At ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, magsalita ka sa iyong mga kababayan, at sabihin mo sa kanila, Kapag aking dinala ang tabak sa lupain, at ang taong-bayan ng lupain ay kumuha ng isang lalaki sa gitna nila bilang bantay nila; at kung makita ng bantay na dumarating ang tabak sa lupain at kanyang hipan ang trumpeta at bigyan ng babala ang taong-bayan; sinumang makarinig ng tunog ng trumpeta at hindi pinansin ang babala, at ang tabak ay dumating at mapatay siya, ang kanyang dugo ay mapapasakanyang sariling ulo. Narinig niya ang tunog ng trumpeta at hindi niya pinansin; ang kanyang dugo ay sasakanya. Ngunit kung kanyang pinansin, ay nailigtas sana niya ang kanyang buhay. Ngunit kung makita ng bantay na dumarating ang tabak at hindi humihip ng trumpeta, at ang taong-bayan ay hindi nabigyan ng babala, at ang tabak ay dumating, at pinatay ang sinuman sa kanila; ang taong iyon ay kinuha sa kanyang kasamaan, ngunit ang kanyang dugo ay sisingilin ko sa kamay ng bantay. "Kaya't ikaw, anak ng tao, inilagay kitang bantay sa sambahayan ni Israel; tuwing maririnig mo ang salita mula sa aking bibig, bigyan mo sila ng babala mula sa akin. Kapag aking sinabi sa masama, O masamang tao, ikaw ay tiyak na mamamatay, at ikaw ay hindi nagsalita upang bigyang babala ang masama sa kanyang lakad; ang masamang iyon ay mamamatay sa kanyang kasamaan, ngunit ang kanyang dugo ay sisingilin ko sa iyong kamay. Ngunit kung iyong bigyan ng babala ang masama upang tumalikod sa kanyang lakad at hindi siya tumalikod sa kanyang lakad, mamamatay siya sa kanyang kasamaan, ngunit iniligtas mo ang iyong buhay. "At ikaw, anak ng tao, sabihin mo sa sambahayan ni Israel, Ganito ang iyong sinabi: 'Ang aming mga pagsuway at mga kasalanan ay nasa amin, at nanghihina kami dahil sa mga ito; paano ngang kami ay mabubuhay?' Sabihin mo sa kanila, Kung paanong buhay ako, sabi ng Panginoong DIYOS, wala akong kasiyahan sa kamatayan ng masama, kundi ang masama ay tumalikod sa kanyang lakad at mabuhay. Manumbalik kayo, manumbalik kayo mula sa inyong masasamang lakad; sapagkat bakit kayo mamamatay, O sambahayan ni Israel? At ikaw, anak ng tao, sabihin mo sa iyong bayan, Ang pagiging matuwid ng taong matuwid ay hindi makapagliligtas sa kanya sa araw ng kanyang pagsuway. At tungkol sa kasamaan ng taong masama, hindi siya mabubuwal sa pamamagitan niyon kapag siya'y tumalikod sa kanyang kasamaan; at ang matuwid ay hindi mabubuhay sa kanyang pagiging matuwid kapag siya'y nagkakasala. Bagaman aking sinabi sa matuwid na siya'y tiyak na mabubuhay; gayunma'y kung siya'y magtiwala sa kanyang pagiging matuwid at gumawa ng kasamaan, anuman sa kanyang matutuwid na gawa ay hindi aalalahanin; kundi sa kasamaan na kanyang nagawa ay mamamatay siya. Ngunit, bagaman aking sinabi sa masama, 'Ikaw ay tiyak na mamamatay;' ngunit kung iwan niya ang kanyang kasalanan, at gawin ang ayon sa katarungan at katuwiran; kung isauli ng masama ang sangla, ibalik ang kinuha sa pagnanakaw, at lumakad sa tuntunin ng buhay, na di gumagawa ng kasamaan; siya'y tiyak na mabubuhay, siya'y hindi mamamatay. Wala sa alinman sa mga kasalanan na kanyang nagawa ang aalalahanin laban sa kanya; kanyang ginawa ang ayon sa katarungan at katuwiran; siya'y tiyak na mabubuhay. "Gayunma'y sinasabi ng iyong bayan, 'Ang daan ng Panginoon ay hindi makatarungan;' gayong ang kanilang daan ang hindi makatarungan. Kapag iniwan ng matuwid ang kanyang pagiging matuwid, at gumawa ng kasamaan, kanyang ikamamatay iyon. Kung tumalikod ang masama sa kanyang kasamaan, at gawin ang ayon sa katarungan at katuwiran, kanyang ikabubuhay iyon. Gayunma'y inyong sinasabi, 'Ang daan ng PANGINOON ay hindi makatarungan.' O sambahayan ni Israel, aking hahatulan ang bawat isa sa inyo ayon sa kanyang mga lakad." Nang ikalimang araw ng ikasampung buwan ng ikalabindalawang taon ng ating pagkabihag, isang tao na nakatakas mula sa Jerusalem ang dumating sa akin, at nagsabi, "Ang lunsod ay bumagsak." Ang kamay ng PANGINOON ay sumaakin nang kinagabihan bago dumating ang nakatakas. At binuksan niya ang aking bibig kinaumagahan nang panahong dumating sa akin ang nakatakas. Kaya't ang aking bibig ay nabuksan at hindi na ako pipi. Ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, ang mga naninirahan sa mga gibang dakong iyon ng lupain ng Israel ay patuloy na nagsasabi, 'Si Abraham ay iisa lamang, ngunit kanyang naging pag-aari ang lupain. Ngunit tayo'y marami; ang lupain ay tiyak na ibinigay sa atin upang angkinin!' Kaya't sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Kayo'y nagsisikain ng lamang may dugo, at itinataas ninyo ang inyong mga mata sa inyong mga diyus-diyosan, at nagpapadanak ng dugo; inyo bang aariin ang lupain? Kayo'y nagtitiwala sa tabak, kayo'y gumagawa ng kasuklam-suklam, at dinudungisan ng bawat isa sa inyo ang asawa ng kanyang kapwa; inyo bang aariin ang lupain? Sabihin mo ang ganito sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Kung paanong ako'y nabubuhay, tiyak na yaong mga nasa sirang dako ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak, at siyang nasa parang ay ibibigay ko sa mga hayop upang lamunin; at silang nasa mga muog at sa mga yungib ay mamamatay sa salot. Aking gagawing wasak at giba ang lupain, at ang kanyang palalong kapangyarihan ay magwawakas, at ang mga bundok ng Israel ay masisira anupa't walang daraan doon. Kung magkagayo'y malalaman nila na ako ang PANGINOON, kapag aking ginawang wasak at giba ang lupain dahil sa lahat nilang kasuklamsuklam na ginawa. "At tungkol sa iyo, anak ng tao, ang iyong bayan na sama-samang nag-uusap tungkol sa iyo sa tabi ng mga pader at sa mga pintuan ng mga bahay, na nagsasabi sa bawat isa sa kanyang kapatid, 'Pumarito ka, at pakinggan mo kung ano ang salita na nanggagaling sa PANGINOON.' Dumating sila sa iyo na gaya ng pagdating ng bayan, at sila'y nagsisiupo sa harapan mo na gaya ng aking bayan, at kanilang dinirinig ang iyong mga salita, ngunit hindi nila ginagawa. Sapagkat sa pamamagitan ng kanilang mga labi ay nagpapakita sila ng malaking pag-ibig, ngunit ang kanilang puso ay nasa kanilang pakinabang. Narito, ikaw ay parang umaawit sa kanila ng mga awit ng pag-ibig na may magandang tinig, nakatutugtog na mabuti sa panugtog; kanilang naririnig ang iyong sinasabi, ngunit hindi nila iyon gagawin. At kapag ito'y nangyari, — at ito'y darating — kanilang malalaman na isang propeta ang napasa gitna nila." At ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, magsalita ka ng propesiya laban sa mga pastol ng Israel, magsalita ka ng propesiya, at iyong sabihin sa mga pastol, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Kahabag-habag ang mga pastol ng Israel na pinakakain ang kanilang sarili! Hindi ba dapat pakainin ng mga pastol ang mga tupa? Kayo'y kumakain ng taba, at kayo'y nagsusuot ng lana, inyong pinapatay ang mga pinataba, ngunit hindi ninyo pinakakain ang mga tupa. Hindi ninyo pinalakas ang payat, hindi ninyo pinagaling ang maysakit, o inyo mang tinalian ang may pilay, o inyo mang ibinalik ang naligaw, o inyo mang hinanap ang nawala, kundi inyong pinamumunuan sila na may karahasan at kalupitan. Kaya't sila'y nangalat dahil sa walang pastol, at sila'y naging pagkain sa lahat ng mababangis na hayop sa parang, at nangalat. Ang aking mga tupa ay nangalat, sila'y nagsilaboy sa lahat ng bundok, at sa bawat mataas na burol. Ang aking mga tupa ay nangalat sa buong ibabaw ng lupa, at walang naghanap o nagmalasakit sa kanila. "Kaya't kayong mga pastol, pakinggan ninyo ang salita ng PANGINOON: Kung paanong ako'y nabubuhay, sabi ng Panginoong DIYOS, sapagkat ang aking mga tupa ay naging biktima, at ang aking mga tupa ay naging pagkain ng lahat ng mababangis na hayop, dahil sa walang pastol, at sapagkat hindi hinanap ng aking mga pastol ang aking mga tupa, kundi ang mga pastol ay nagsikain, at hindi pinakain ang aking mga tupa; kaya't kayong mga pastol, pakinggan ninyo ang salita ng PANGINOON: Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS, Narito, ako'y laban sa mga pastol. Aking aalisin ang aking mga tupa sa kanilang kamay, at akin silang patitigilin sa pagpapakain sa mga tupa. Hindi na pakakainin ng mga pastol ang kanilang sarili. Aking ililigtas ang aking mga tupa sa kanilang mga bibig upang huwag silang maging pagkain nila. "Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Narito, ako mismo ang maghahanap sa aking mga tupa, at aking pagmamalasakitan sila. Kung paanong hinahanap ng pastol ang kanyang kawan kapag ang ilan sa kanyang mga tupa ay nangangalat, gayon ko hahanapin ang aking mga tupa; at ililigtas ko sila sa lahat ng dako na kanilang pinangalatan sa araw na maulap at makapal na kadiliman. Aking ilalabas sila sa mga bayan, titipunin ko sila mula sa mga lupain, at dadalhin ko sila sa kanilang sariling lupain. Pakakainin ko sila sa mga bundok ng Israel, sa tabi ng mga bukal ng tubig, at sa lahat na tinatahanang dako sa lupain. Aking pakakainin sila sa mabuting pastulan, at ang matataas na bundok ng kataasan ng Israel ang kanilang magiging pastulan. Doo'y mahihiga sila sa mabuting lupaing pastulan, at sa matabang pastulan ay manginginain sila sa mga bundok ng Israel. Ako mismo ang magiging pastol ng aking mga tupa at sila'y dadalhin ko sa kapahingahan, sabi ng Panginoong DIYOS. Aking hahanapin ang nawala at ibabalik ang naligaw, tatalian ang nabalian, at palalakasin ang mahihina, ngunit aking lilipulin ang mataba at malakas. Aking pakakainin sila ng kahatulan. 'At tungkol sa inyo, aking kawan, ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Narito, ako'y hahatol sa pagitan ng tupa at tupa, sa pagitan ng mga lalaking tupa at mga lalaking kambing. Hindi pa ba sapat sa inyo na kumain sa mabuting pastulan, kundi dapat pa ninyong tapakan ng inyong mga paa ang nalabi sa inyong pastulan? Kapag umiinom kayo ng malinaw na tubig, dapat pa ba ninyong parumihin ng inyong mga paa ang nalabi? At dapat bang kainin ng aking mga tupa ang niyapakan ng inyong mga paa, at kanilang inumin ang dinumihan ng inyong mga paa? "Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS sa kanila: Narito, ako, samakatuwid baga'y ako ang hahatol sa matabang tupa at sa payat na tupa. Sapagkat inyong itinutulak ng tagiliran at ng balikat, at inyong sinusuwag ng inyong mga sungay ang lahat ng may sakit, hanggang sa inyong maikalat sila. Aking ililigtas ang aking kawan, at hindi na sila magiging biktima; at ako ang hahatol sa pagitan ng mga tupa. Ako'y maglalagay ng isang pastol sa kanila, ang aking lingkod na si David, at kanyang pakakainin sila. Kanyang pakakainin sila at siya'y magiging kanilang pastol. At akong PANGINOON ay magiging kanilang Diyos, at ang aking lingkod na si David ay magiging pinuno nila; akong PANGINOON ang nagsalita. "Ako'y makikipagtipan sa kanila ng tipan ng kapayapaan, at aking aalisin ang mababangis na hayop sa lupain; at sila'y maninirahang tiwasay sa ilang, at matutulog sa mga kakahuyan. Aking gagawing mapapalad sila at ang mga dakong nasa palibot ng aking burol. Aking pababagsakin ang ulan sa kapanahunan; sila'y magiging ulan ng pagpapala. Ang punungkahoy sa parang ay magbubunga, ang lupa'y magbibigay ng kanyang pakinabang, at sila'y magiging tiwasay sa kanilang lupain. Kanilang malalaman na ako ang PANGINOON, kapag aking pinutol ang bakal ng kanilang pamatok, at aking nailigtas sila sa kamay ng mga umalipin sa kanila. Sila'y hindi na magiging biktima ng mga bansa, o lalamunin man sila ng hayop sa lupa; kundi sila'y maninirahang tiwasay at walang mananakot sa kanila. Aking pagkakalooban sila ng masasaganang pananim at sila'y hindi na malilipol pa ng taggutom sa lupain, o magdaranas pa man ng pagkutya ng mga bansa. At kanilang malalaman na akong PANGINOON nilang Diyos ay kasama nila, at sila na sambahayan ni Israel ay aking bayan, sabi ng Panginoong DIYOS. Kayo'y mga tupa ko, mga tupa ng aking bayan, at ako'y inyong Diyos, sabi ng Panginoong DIYOS." Bukod dito'y ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, humarap ka sa bundok ng Seir, at magsalita ka ng propesiya laban doon. Sabihin mo roon, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Ako'y laban sa iyo, O bundok ng Seir, at aking iuunat ang aking kamay laban sa iyo, at gagawin kitang sira at wasak. Aking gigibain ang iyong mga bayan, at ikaw ay magiging wasak; at iyong malalaman na ako ang PANGINOON. Sapagkat ikaw ay nag-iingat ng isang matagal nang pakikipag-away, at ibinigay mo ang mga anak ni Israel sa kapangyarihan ng tabak sa kapanahunan ng kanilang kapahamakan, sa kapanahunan ng kanilang huling kaparusahan. Kaya't kung paanong ako'y nabubuhay, sabi ng Panginoong DIYOS, aking ihahanda ka sa dugo, at hahabulin ka ng dugo. Sapagkat ikaw ay nagkasala sa dugo, kaya't hahabulin ka ng dugo. Ang bundok ng Seir ay gagawin kong wasak at sira; at aking aalisin sa kanya ang lahat ng dumarating at umaalis. At aking pupunuin ang iyong mga bundok ng mga napatay. Sa iyong mga burol at sa iyong mga libis at sa lahat mong mga bangin ay mabubuwal sila na napatay ng tabak. Ikaw ay gagawin kong palagiang kasiraan, at ang iyong mga lunsod ay hindi tatahanan; at inyong malalaman na ako ang PANGINOON. "Sapagkat iyong sinabi, 'Ang dalawang bansang ito, at ang dalawang lupaing ito ay magiging akin, at aming aariin;' bagaman kinaroroonan ng PANGINOON. Kaya't kung paanong buhay ako, sabi ng Panginoong DIYOS, papakitunguhan kita ayon sa galit at sa inggit na iyong ipinakita dahil sa iyong pagkapoot laban sa kanila. At ako'y magpapakilala sa gitna nila kapag aking hahatulan ka. Iyong malalaman na akong PANGINOON ay nakarinig ng lahat mong panlalait na iyong sinabi laban sa mga bundok ng Israel, na sinasabi, 'Sinira ang mga iyon, ibinigay sa atin bilang pagkain.' At kayo'y nagmalaki laban sa akin sa pamamagitan ng inyong bibig, at inyong pinarami ang inyong mga salita laban sa akin; aking narinig iyon. Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Habang ang buong lupa ay nagagalak, aking wawasakin ka. Kung paanong ikaw ay nagalak sa mana ng sambahayan ni Israel, sapagkat nawasak iyon, gayon ang gagawin ko sa iyo; ikaw ay mawawasak, O bundok ng Seir, at buong Edom, lahat ng ito. At kanilang malalaman na ako ang PANGINOON. "At ikaw, anak ng tao, magsalita ka ng propesiya sa mga bundok ng Israel, at sabihin mo, Kayong mga bundok ng Israel, pakinggan ninyo ang salita ng PANGINOON. Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Sapagkat sinabi ng kaaway sa inyo, Aha!' at, Ang sinaunang matataas na dako ay naging aming pag-aari;' kaya't magsalita ka ng propesiya, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Sapagkat winasak nila kayo, at dinurog kayo sa lahat ng panig, anupa't kayo'y naging pag-aari ng nalabi sa mga bansa, at kayo'y naging tampulan ng tsismis at paninirang-puri ng taong-bayan; kaya't kayong mga bundok ng Israel, inyong pakinggan ang salita ng Panginoong DIYOS: Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS sa mga bundok at mga burol, sa mga bangin at mga libis, sa mga sirang dako at sa mga bayang iniwan, na naging biktima at panunuya sa nalabi sa mga bansang nasa palibot. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Nagsasalita ako sa aking paninibugho laban sa nalabi sa mga bansa, at laban sa buong Edom na nagbigay ng aking lupain sa kanilang sarili bilang pag-aari na may buong pusong kagalakan, upang kanilang angkinin at samsamin. Kaya't magsalita ka ng propesiya tungkol sa lupain ng Israel, at sabihin mo sa mga bundok, sa mga burol, sa mga bangin at sa mga libis, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Ako'y nagsalita sa poot ng aking paninibugho, sapagkat inyong dinanas ang kahihiyan ng mga bansa. Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Aking isinumpa na ang mga bansa na nasa palibot ninyo ay daranas ng kahihiyan. "Ngunit kayo, O mga bundok ng Israel, inyong isusupling ang inyong mga sanga, at magbubunga sa aking bayang Israel; sapagkat sila'y malapit nang umuwi. Sapagkat narito, ako'y para sa inyo, at ako'y babalik sa inyo, at kayo'y bubungkalin at hahasikan; at ako'y magpaparami ng mga tao sa inyo, ang buong sambahayan ni Israel, lahat ng mga ito. Ang mga lunsod ay tatahanan, at ang mga sirang dako ay muling itatayo. Ako'y magpaparami sa inyo ng tao at hayop, at sila'y darami at magkakaanak. Kayo'y hahayaan kong panirahan ayon sa inyong dating kalagayan, at gagawan ko kayo ng mabuti kaysa noong una. At inyong malalaman na ako ang PANGINOON. Oo, aking palalakarin sa inyo ang mga tao, maging ang aking bayang Israel; at kanilang aariin ka, at ikaw ay magiging kanilang mana, at hindi ka na mawawalan ng mga anak. Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Sapagkat kanilang sinasabi sa iyo, 'Lumalamon ka ng mga tao, at inaalisan mo ng mga anak ang iyong bansa;' kaya't hindi ka na lalamon pa ng mga tao o aalisan ng mga anak ang iyong bansa, sabi ng Panginoong DIYOS. Hindi ko na iparirinig sa iyo ang pag-alipusta ng mga bansa. Hindi mo na papasanin ang kahihiyan ng mga bansa, at hindi ka magiging dahilan ng pagkatisod ng iyong bansa, sabi ng Panginoong DIYOS." Ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, noong naninirahan ang sambahayan ni Israel sa kanilang sariling lupain, kanilang dinungisan ito ng kanilang lakad at mga gawa. Ang kanilang kilos sa harapan ko ay naging parang karumihan ng babae sa kanyang kapanahunan. Kaya't aking ibinuhos ang aking poot sa kanila dahil sa dugo na kanilang pinadanak sa lupain, at dahil sa paglapastangan nila dito sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan. Aking ikinalat sila sa mga bansa, at sila'y nagkawatak-watak sa mga lupain; ayon sa kanilang lakad at ayon sa kanilang mga kilos ay hinatulan ko sila. Ngunit nang sila'y dumating sa mga bansa, saanman sila dumating, kanilang nilapastangan ang aking banal na pangalan sa pagsasabi ng mga tao tungkol sa kanila, 'Ang mga ito ang bayan ng PANGINOON ngunit kailangan nilang lumabas sa kanyang lupain.' Ngunit isinaalang-alang ko ang aking banal na pangalan, na nilapastangan ng sambahayan ni Israel sa mga bansa na kanilang pinunahan. Kaya't sabihin mo sa sambahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Hindi ito alang-alang sa inyo, O sambahayan ni Israel, na malapit na akong kumilos, kundi alang-alang sa aking banal na pangalan, na inyong nilapastangan sa mga bansa na inyong pinuntahan. Aking pawawalang-sala ang aking dakilang pangalan na nilapastangan sa mga bansa, na inyong nilapastangan sa gitna nila. Malalaman ng mga bansa na ako ang PANGINOON, sabi ng Panginoong DIYOS, kapag sa pamamagitan ninyo ay pinawalang-sala ang aking kabanalan sa harap ng kanilang mga mata. Sapagkat aking kukunin kayo sa mga bansa, at titipunin ko kayo mula sa lahat ng lupain, at dadalhin ko kayo sa inyong sariling lupain. Ako'y magwiwisik ng malinis na tubig sa inyo; kayo'y magiging malinis sa lahat ninyong karumihan, at lilinisin ko kayo sa lahat ninyong mga diyus-diyosan. Bibigyan ko kayo ng bagong puso, at lalagyan ko kayo ng bagong espiritu sa loob ninyo. Aking aalisin ang batong puso sa inyong laman, at aking bibigyan kayo ng pusong laman. Aking ilalagay ang aking Espiritu sa loob ninyo, at palalakarin ko kayo nang ayon sa aking mga tuntunin, at magiging maingat kayo sa pagsunod sa aking mga batas. Kayo'y maninirahan sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno. Kayo'y magiging aking bayan at ako'y magiging inyong Diyos. Lilinisin ko kayo sa lahat ninyong karumihan. Aking patutubuin ang trigo at aking pararamihin, at hindi na ako magpaparating ng taggutom sa inyo. Aking pararamihin ang bunga ng punungkahoy at ang ani sa bukid, upang hindi na kayo muling magdanas ng kahihiyan ng taggutom sa mga bansa. Kung magkagayo'y inyong maaalala ang inyong masasamang lakad, at ang inyong mga gawa na hindi mabuti. Kayo'y masusuklam sa inyong sarili dahil sa inyong mga kasamaan at mga karumaldumal na gawa. Hindi alang-alang sa inyo na ako'y kikilos, sabi ng Panginoong DIYOS; alamin ninyo iyon. Kayo'y mahiya at malito dahil sa inyong mga lakad, O sambahayan ni Israel. "Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Sa araw na aking linisin kayo sa lahat ninyong kasalanan, aking patitirahan ang mga bayan, at ang mga gibang dako ay muling matatayo. Ang lupain na naging sira ay mabubungkal, sa halip na sira sa paningin ng lahat nang nagdaraan. At kanilang sasabihin, Ang lupaing ito na naging sira ay naging gaya ng halamanan ng Eden; at ang sira, giba at wasak na mga bayan ay tinatahanan na ngayon at may pader.' Kung magkagayo'y malalaman ng mga bansa na nalabi sa palibot ninyo na akong PANGINOON ay nagtayo ng mga guhong dako, at tinamnan ko ang dakong sira; akong PANGINOON ang nagsalita, at aking gagawin. Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Bukod dito pa'y, hahayaan ko ang sambahayan ni Israel na humiling sa akin upang gawin ito sa kanila: paramihin ang kanilang mga tao na parang kawan. Tulad ng kawan para sa paghahandog, tulad ng kawan ng Jerusalem sa kanilang mga takdang kapistahan, gayon mapupuno ang mga gibang bayan ng mga kawan ng mga tao. At kanilang malalaman na ako ang PANGINOON." Ang kamay ng PANGINOON ay sumasaakin, at kanyang dinala ako sa pamamagitan ng Espiritu ng PANGINOON at inilagay ako sa gitna ng libis; iyon ay puno ng mga buto. Inakay niya ako sa palibot ng mga iyon; napakarami niyon sa libis at ang mga iyon ay tuyung-tuyo. Kanyang sinabi sa akin, "Anak ng tao, maaari bang mabuhay ang mga butong ito?" At ako'y sumagot, "O Panginoong DIYOS; ikaw ang nakakaalam." Muling sinabi niya sa akin, "Magsalita ka ng propesiya sa mga butong ito, at sabihin mo sa kanila, O kayong mga tuyong buto, inyong pakinggan ang salita ng PANGINOON. Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS sa mga butong ito: Aking papapasukin ang hininga sa inyo, at kayo'y mabubuhay. Lalagyan ko kayo ng mga litid, babalutin ko kayo ng laman, tatakpan ko kayo ng balat, lalagyan ko kayo ng hininga, at kayo'y mabubuhay; at inyong malalaman na ako ang PANGINOON." Sa gayo'y nagsalita ako ng propesiya gaya ng iniutos sa akin. Habang ako'y nagsasalita ng propesiya, biglang nagkaroon ng ingay, at narito, isang lagutukan. Ang mga buto ay nagkalapit, buto sa buto nito. Habang ako'y nakatingin, narito, may mga litid sa mga iyon, at ang laman ay lumitaw sa mga iyon at ang balat ay tumakip sa mga iyon sa ibabaw; ngunit walang hininga sa mga iyon. Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, "Anak ng tao, magsalita ka ng propesiya sa hininga at sabihin mo sa hininga, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Manggaling ka sa apat na hangin, O hininga, at hingahan mo ang mga patay na ito, upang sila'y mabuhay." Sa gayo'y nagsalita ako ng propesiya gaya ng iniutos niya sa akin, at ang hininga ay pumasok sa kanila, at sila'y nabuhay at tumayo sa kanilang mga paa, na isang napakalaking hukbo. Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, "Anak ng tao, ang mga butong ito ay ang buong sambahayan ni Israel. Narito, kanilang sinasabi, 'Ang ating mga buto ay natuyo, at ang ating pag-asa ay nawala; tayo'y lubos na nahiwalay.' Kaya't magsalita ka ng propesiya, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Narito, aking bubuksan ang inyong mga libingan, at aking pasasampahin kayo mula sa inyong mga libingan, O bayan ko; at aking pauuwiin kayo sa lupain ng Israel. Inyong malalaman na ako ang PANGINOON, kapag aking binuksan ang inyong mga libingan, at aking pasasampahin kayo mula sa inyong mga libingan, O bayan ko. At aking ilalagay ang aking Espiritu sa inyo, at kayo'y mabubuhay, at aking ilalagay kayo sa inyong sariling lupain; at inyong malalaman na akong PANGINOON ang nagsalita, at nagsagawa, sabi, ng PANGINOON." Ang salita ng PANGINOON ay dumating uli sa akin, na sinasabi, "At ikaw, anak ng tao, kumuha ka ng isang tungkod at sulatan mo sa ibabaw, 'Sa Juda at sa mga anak ni Israel na kanyang mga kasama;' saka kumuha ka ng ibang tungkod, at iyong sulatan: Sa Jose (na siyang tungkod ng Efraim), at sa buong sambahayan ni Israel na kanyang mga kasama.' Iyong pagdugtungin para sa iyong sarili upang maging isang tungkod, upang sila'y maging isa sa iyong kamay. At kapag sinabi sa iyo ng iyong mga kababayan, 'Hindi mo ba ipapaalam sa amin kung ano ang kahulugan ng mga ito?' Sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Narito, aking kukunin ang tungkod ni Jose, (na nasa kamay ni Efraim), at ang mga lipi ng Israel na kanyang mga kasama. Akin silang isasama sa tungkod ng Juda at gagawin ko silang isang tungkod, upang sila'y magiging isa sa aking kamay. Ang mga tungkod na iyong sinusulatan ay nasa iyong mga kamay sa harapan ng kanilang mga mata, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Narito, aking kukunin ang mga anak ni Israel mula sa mga bansa na kanilang pinaroonan, at titipunin ko sila sa lahat ng dako, at dadalhin ko sila sa kanilang sariling lupain. Gagawin ko silang isang bansa sa lupain, sa mga bundok ng Israel; at isang hari ang maghahari sa kanilang lahat. Hindi na sila magiging dalawang bansa, at hindi na mahahati pa sa dalawang kaharian. Hindi na nila durungisan ang kanilang sarili ng mga diyus-diyosan at ng mga kasuklamsuklam na bagay, o ng anuman sa kanilang mga pagsuway, kundi aking ililigtas sila sa lahat ng pagtalikod na kanilang ipinagkasala at lilinisin ko sila. Sa gayo'y magiging bayan ko sila, at ako'y magiging kanilang Diyos. "At ang aking lingkod na si David ay magiging hari nila; at sila'y magkakaroon ng isang pastol. Susundin nila ang aking mga batas at magiging maingat sa pagtupad sa aking mga tuntunin. Sila'y maninirahan sa lupain na tinirahan ng inyong mga ninuno na aking ibinigay kay Jacob na aking lingkod. Sila at ang kanilang mga anak, at ang mga anak ng kanilang mga anak, ay tatahan doon magpakailanman. Si David na aking lingkod ay magiging kanilang pinuno magpakailanman. Makikipagtipan ako ng kapayapaan sa kanila, ito'y magiging tipan na walang hanggan sa kanila. Sila'y aking pagpapalain at pararamihin at ilalagay ko ang aking santuwaryo sa gitna nila magpakailanman. Ang aking tirahang dako ay magiging kasama nila; at ako'y magiging kanilang Diyos, at sila'y magiging aking bayan. At malalaman ng mga bansa na ako ang PANGINOON na nagpapabanal sa Israel, kapag ang aking santuwaryo ay nasa gitna nila magpakailanman." Ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi, "Anak ng tao, humarap ka sa dako ni Gog, sa lupain ng Magog, na pangunahing pinuno ng Rosh, Meshec at Tubal, at magsalita ka ng propesiya laban sa kanya, at iyong sabihin, ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Narito, ako'y laban sa iyo, O Gog, na pinuno ng Rosh, Meshec at Tubal. Paiikutin kita at kakawitan ko ng mga pangbingwit ang iyong mga panga. Ilalabas kita kasama ng iyong buong hukbo, mga kabayo at mga mangangabayo, silang lahat na may sandata na napakalaking pulutong, na may sinturon, kalasag, at mga tabak. Ang Persia, Etiopia, at Put ay kasama nila; silang lahat ay may kalasag at helmet; ang Gomer at ang lahat niyang mga pulutong; ang Bet-togarmah mula sa mga pinakadulong bahagi ng hilaga, at lahat niyang mga pulutong — maraming bayan ang kasama mo. "Humanda ka at manatiling handa, ikaw at ang buong hukbo na natipon sa palibot mo, at maging bantay ka nila. Pagkatapos ng maraming araw ay tatawagin ka. Sa mga huling taon ay hahayo ka laban sa lupain na ibinalik mula sa digmaan, ang lupain na ang mga bayan ay natipon mula sa mga bundok ng Israel, na naging laging giba. Ang mga bayan nito ay kinuha mula sa mga bansa at silang lahat ay naninirahan ngayong tiwasay. Ikaw ay sasampa, ikaw ay darating na parang bagyo; ikaw ay magiging parang ulap na tatakip sa lupain, ikaw at ang lahat mong mga pulutong, at ang maraming tao na kasama mo. "Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Sa araw na iyon, may mga bagay na darating sa iyong kaisipan, at ikaw ay magbabalak ng masamang panukala. At iyong sasabihin,'Ako'y aahon laban sa lupaing may mga nayong walang pader. Ako'y darating sa isang tahimik na bayan na naninirahang tiwasay, silang lahat na naninirahang walang pader, at wala kahit mga halang o mga pintuan man;' upang kumuha ng samsam at magdala ng nakaw, upang wasakin ang mga gibang dako na tinatahanan ngayon, at ang bayan na tinipon mula sa mga bansa, na nagkaroon ng mga hayop at mga ari-arian, na nagsisitahan sa gitna ng daigdig. Ang Seba, Dedan, ang mga mangangalakal sa Tarsis at ang lahat nitong mga nayon, ay magsasabi sa iyo, 'Naparito ka ba upang kumuha ng samsam? Tinipon mo ba ang iyong pulutong upang kumuha ng samsam, upang magdala ng pilak at ginto, upang magdala ng mga hayop at mga ari-arian, upang kumuha ng malaking samsam?' "Kaya't anak ng tao, ikaw ay magsalita ng propesiya, at sabihin mo kay Gog, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Sa araw na ang aking bayang Israel ay naninirahang tiwasay, di mo ba malalaman? Ikaw ay darating mula sa iyong dako, mula sa mga kaduluduluhang bahagi ng hilaga, ikaw at ang maraming tao na kasama mo, silang lahat na nakasakay sa mga kabayo, isang malaking pulutong at makapangyarihang hukbo. Ikaw ay aahon laban sa aking bayang Israel, gaya ng ulap na tumatakip sa lupain. Sa mga huling araw, dadalhin kita laban sa aking lupain, upang makilala ako ng mga bansa, kapag sa pamamagitan mo, O Gog, ay pinatunayan ko ang aking kabanalan sa harapan ng kanilang mga mata. "Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Ikaw ba ang aking kinausap noong una sa pamamagitan ng aking mga lingkod na mga propeta ng Israel, na nagsalita ng propesiya nang mga araw na iyon sa loob ng maraming taon na aking dadalhin ka laban sa kanila? Ngunit sa araw na iyon, kapag si Gog ay pumaroon laban sa lupain ng Israel, ang aking poot ay mag-aalab, sabi ng Panginoong DIYOS. Sapagkat sa aking paninibugho at sa aking nag-aalab na poot ay nagpahayag ako, tunay na sa araw na iyon ay magkakaroon ng malaking panginginig sa lupain ng Israel. Ang mga isda sa dagat, ang mga ibon sa himpapawid, ang mga hayop sa parang, at lahat ng gumagapang na bagay sa ibabaw ng lupa, at lahat ng tao na nasa ibabaw ng lupa, ay manginginig sa aking harapan. Ang mga bundok ay maguguho at ang matatarik na dako ay guguho, at bawat pader ay babagsak sa lupa. Aking ipatatawag sa lahat ng aking mga bundok ang tabak laban sa kanya, sabi ng Panginoong DlYOS; ang tabak ng bawat lalaki ay magiging laban sa kanyang kapatid. Hahatulan ko siya sa pamamagitan ng salot at pagdanak ng dugo. Pauulanan ko siya, ang kanyang mga pulutong, at ang maraming bayan na kasama niya ng napakalakas na ulan at ng malalaking yelo ng apoy, at ng asupre. Kaya't aking ipapakita ang aking kadakilaan at kabanalan at ipapakilala ang aking sarili sa paningin ng maraming bansa. At kanilang malalaman na ako ang PANGINOON. "At ikaw, anak ng tao, magsalita ka ng propesiya laban kay Gog, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong DlYOS: Narito, ako'y laban sa iyo, O Gog, pangunahing pinuno ng Rosh, Meshec at Tubal: Aking paiikutin at itataboy kita, at paaahunin kita mula sa mga pinakadulong bahagi ng hilaga; at aking dadalhin ka sa mga bundok ng Israel. Pagkatapos ay sisirain ko ang busog sa iyong kaliwang kamay, at aking ihuhulog ang iyong pana mula sa iyong kanang kamay. Ikaw ay mabubuwal sa mga bundok ng Israel, ikaw at ang lahat mong mga pulutong, at ang mga bayan na kasama mo. Ibibigay kita sa mga ibong mandaragit na iba't ibang uri, at sa mga hayop sa parang upang lamunin ka. Ikaw ay mabubuwal sa kaparangan; sapagkat aking sinalita, sabi ng Panginoong DlYOS. Ako'y magpapasapit ng apoy sa Magog, at sa mga naninirahang tiwasay sa mga pulo; at kanilang malalaman na ako ang PANGINOON. "Ang aking banal na pangalan ay ipapakilala ko sa gitna ng aking bayang Israel; at hindi ko papahintulutang lapastanganin pa ang aking banal na pangalan, at malalaman ng mga bansa na ako ang PANGINOON, ang Banal sa Israel. Narito, dumarating at mangyayari, sabi ng Panginoong DlYOS. Ito ang araw na aking sinalita. "Silang naninirahan sa mga bayan ng Israel ay hahayo, at susunugin ang mga sandata, ang mga kalasag, mga pananggalang, mga busog at mga palaso, mga tungkod, at ang mga sibat. Susunugin nila ito nang pitong taon. Kaya't sila'y hindi na kukuha pa ng kahoy sa parang, o puputol man ng anuman sa mga gubat, sapagkat sila'y gagawa ng kanilang mga apoy mula sa mga sandata. Kanilang sasamsaman ang nanamsam sa kanila, at nanakawan ang nagnakaw sa kanila, sabi ng Panginoong DlYOS. "Sa araw na iyon, ako'y magbibigay kay Gog ng dakong libingan sa Israel, ang libis ng mga manlalakbay na nasa silangan ng dagat. Hahadlangan nito ang manlalakbay, sapagkat doon ililibing si Gog at ang lahat niyang mga karamihan; at kanilang tatawagin itong Libis ng Hamon-gog. Pitong buwan silang ililibing ng sambahayan ni Israel upang linisin ang lupain. Sila'y ililibing ng buong bayan ng lupain at magiging sa kanila'y karangalan, sa araw na ipakita ko ang aking kaluwalhatian, sabi ng Panginoong DlYOS. Sila'y magbubukod ng mga lalaking palaging daraan sa lupain at maglilibing ng nalalabi sa ibabaw ng lupain, upang linisin ito. Pagkatapos ng pitong buwan ay gagawa sila ng pagsisiyasat. Kapag ang mga ito ay dumaan sa lupain at ang sinuman ay nakakita ng buto ng tao, lalagyan niya ng tanda roon hanggang sa mailibing ng mga manlilibing sa Libis ng Hamon-gog. At Hamonah ang magiging pangalan ng lunsod. Ganito nila lilinisin ang lupain. "Tungkol sa iyo, anak ng tao, ganito ang sabi ng Panginoong DlYOS: Magsalita ka sa sari-saring ibon at sa lahat ng hayop sa parang, 'Magtipun-tipon kayo at pumarito; magtipon kayo sa lahat ng dako sa kapistahan ng paghahandog na aking inihahanda para sa inyo, sa malaking kapistahan ng paghahandog sa ibabaw ng mga bundok ng Israel, at kayo'y kakain ng laman at iinom ng dugo. Kayo'y kakain ng laman ng makapangyarihan, at iinom ng dugo ng mga pinuno ng lupa, ng mga lalaking tupa, ng mga batang tupa, ng mga kambing, at ng mga toro, na pawang patabain sa Basan. Kayo'y kakain ng taba hanggang sa kayo'y mabusog, at iinom ng dugo hanggang sa kayo'y malasing sa kapistahan ng paghahandog na aking inihahanda para sa inyo. At kayo'y mabubusog sa aking hapag ng mga kabayo at mga mangangabayo, ng magigiting na lalaki, at ng lahat ng uri ng mandirigma,' sabi ng Panginoong DlYOS. "Ipapakita ko ang aking kaluwalhatian sa mga bansa; at makikita ng lahat ng mga bansa ang aking kahatulan na aking inilapat, at ang aking kamay na ipinatong ko sa kanila. Malalaman ng sambahayan ni Israel na ako ang PANGINOON na kanilang Diyos, mula sa araw na iyon hanggang sa haharapin. At malalaman ng mga bansa na ang sambahayan ni Israel ay pumasok sa pagkabihag dahil sa kanilang kasamaan, sapagkat sila'y nagtaksil laban sa akin at ikinubli ko ang aking mukha sa kanila. Sa gayo'y ibinigay ko sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, at silang lahat ay nabuwal sa pamamagitan ng tabak. Hinarap ko sila ayon sa kanilang karumihan at mga pagsuway; at ikinubli ko ang aking mukha sa kanila. "Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong DlYOS: Ngayo'y aking ibabalik ang kapalaran ng Jacob at maaawa ako sa buong sambahayan ni Israel; at ako'y magiging mapanibughuin dahil sa aking banal na pangalan. Malilimutan nila ang kanilang kahihiyan, at ang lahat ng kataksilan na kanilang ginawa laban sa akin, kapag sila'y naninirahang tiwasay sa kanilang lupain, at walang tatakot sa kanila; kapag sila'y aking ibinalik mula sa mga bayan, at tipunin sila mula sa mga lupain ng kanilang mga kaaway, at sa pamamagitan nila ay ipakita ang aking kabanalan sa paningin ng maraming bansa. At kanilang malalaman na ako ang PANGINOON nilang Diyos sapagkat dinala ko sila sa pagkabihag sa gitna ng mga bansa, at saka tinipon sila sa kanilang sariling lupain. Hindi ako mag-iiwan ng sinuman sa kanila sa gitna ng mga bansa; at hindi ko na ikukubli pa ang aking mukha sa kanila, kapag ibinuhos ko ang aking Espiritu sa sambahayan ni Israel, sabi ng Panginoong DIYOS." Nang ikadalawampu't li mang taon ng aming pagkabihag, nang pasimula ng taon, nang ikasampung araw ng buwan, nang ikalabing-apat na taon pagkatapos na ang bayan ay masakop, nang araw na iyon, ang kamay ng PANGINOON ay sumaakin. Sa mga pangitaing mula sa Diyos ay dinala niya ako sa lupain ng Israel, at pinaupo ako sa isang napakataas na bundok, na kinaroroonan ng parang isang lunsod sa timog. Nang kanyang madala ako roon, mayroong isang lalaki na ang anyo ay nagliliwanag na parang tanso, na may pising lino at isang panukat na tambo sa kanyang kamay at siya'y nakatayo sa pintuang-daan. At sinabi ng lalaki sa akin, "Anak ng tao, tingnan mo ng iyong mga mata, pakinggan mo ng iyong mga pandinig, at ilagak mo ang iyong isipan sa lahat ng aking ipapakita sa iyo; sapagkat ikaw ay dinala rito upang aking maipakita ito sa iyo. Ipahayag mo ang lahat ng iyong nakita sa sambahayan ni Israel." At narito, may pader sa palibot sa dakong labas ng lugar ng bahay, at ang haba ng panukat na tambo sa kamay ng tao ay anim na siko, na tig-isang siko at isang dangkal ang luwang ng bawat isa. Kaya't kanyang sinukat ang kapal ng pader, isang tambo; at ang taas, isang tambo. Pumasok siya sa pintuang-daan na nakaharap sa silangan, sa mga baytang niyon at kanyang sinukat ang pasukan ng pintuan, isang tambo ang luwang; ang kabilang pasukan, ay isang tambo ang luwang. Ang mga silid ng bantay ay isang tambo ang haba, at isang tambo ang luwang; at ang pagitan ng mga silid ng bantay ay limang siko; at ang pasukan ng pintuan sa tabi ng patyo ng pintuan sa pinakadulo ng daanan ay isang tambo. Kanya rin namang sinukat ang bulwagan sa pintuang-daan, walong siko. At ang mga haligi niyon, dalawang siko; at ang bulwagan sa pintuang-daan ay nasa pinakadulo ng daanan. Mayroong tatlong silid ng bantay sa magkabilang dako ng pintuan sa silangan; ang tatlo ay iisang sukat; at ang mga haligi sa magkabilang panig ay iisang sukat. Kanyang sinukat ang luwang ng pasukan ng pintuang-daan, sampung siko; at ang haba ng pintuang-daan, labintatlong siko. May harang sa harapan ng mga silid ng bantay, isang siko sa magkabilang panig. Ang mga silid ng bantay ay anim na siko sa magkabilang panig. At kanyang sinukat ang pintuang-daan mula sa likuran ng isang silid ng bantay hanggang sa likuran ng kabila, may luwang na dalawampu't limang siko, mula sa pintuan hanggang sa isa pang pintuan. Sinukat din niya ang bulwagan, dalawampung siko; at sa paligid ng bulwagan ng pintuang daan ay ang patyo. Mula sa harapan ng pintuan sa pasukan hanggang sa dulo ng pinakaloob na bulwagan ng pintuan ay limampung siko. May mga bintana sa palibot ang mga pintuang-daan na papaliit sa mga pintuan sa gilid. Ang bulwagan ay mayroon ding mga bintana sa palibot at sa mga haligi ay may puno ng palma. Nang magkagayo'y dinala niya ako sa labas ng bulwagan, at narito, may mga silid at may batong daanan sa palibot ng bulwagan; tatlumpung silid ang nakaharap sa nalalatagan ng bato. At ang nalalatagan ng bato ay hanggang sa gilid ng mga pintuan, ayon sa haba ng mga pintuan; ito ang mas mababang nalalatagan ng bato. Nang magkagayo'y kanyang sinukat ang pagitan mula sa harapan ng mas mababang pintuan hanggang sa harapan ng pinakaloob na bulwagan sa labas, isandaang siko, kahit sa silangan o kahit sa kanluran. At siya'y umuna sa akin patungo sa hilaga, at may pintuang nakaharap sa hilaga na kabilang sa panlabas na bulwagan. Sinukat niya ang haba at luwang niyon. Ang mga silid niyon sa gilid ay tatlo sa bawat panig, at ang mga haligi at mga patyo ay ayon sa sukat ng unang pintuan. Ang haba niyon ay limampung siko, at ang luwang ay dalawampu't limang siko. Ang mga bintana at bulwagan niyon, at ang mga puno ng palma niyon ay ayon sa sukat ng pintuang-daan na nakaharap sa silangan. Pitong baytang ang paakyat doon at ang bulwagan niyon ay nasa loob. At sa tapat ng pintuan sa gawing hilaga, gaya ng sa silangan, ay may pintuan sa pinakaloob na bulwagan. Kanya itong sinukat mula sa pintuan hanggang sa pintuan, isandaang siko. Dinala niya ako patungo sa timog, at may isang pintuan sa timog; at kanyang sinukat ang mga haligi niyon at ang bulwagan niyon. Ang sukat ng mga iyon ay gaya rin ng iba. May mga bintana sa palibot nito at sa bulwagan, gaya ng mga bintana ng iba. Ang haba nito ay limampung siko, at ang luwang ay dalawampu't limang siko. At may pitong baytang paakyat doon, at ang bulwagan niyon ay nasa loob, at may mga puno ng palma sa mga haligi niyon, isa sa bawat panig. May pintuan sa looban sa dakong timog; at kanyang sinukat mula sa pintuan hanggang sa pintuan sa dakong timog, isandaang siko. Dinala niya ako sa pinakaloob na bulwagan sa tabi ng pintuan sa timog, at kanyang sinukat ang pintuan sa timog; ang sukat nito ay gaya ng iba. Ang mga silid ng bantay, ang mga haligi at ang bulwagan ay kasukat ng iba. May mga bintana sa palibot niyon at sa bulwagan. Ang haba nito ay may limampung siko at dalawampu't limang siko ang luwang. May mga bulwagan sa palibot, na dalawampu't limang siko ang haba at limang siko ang luwang. Ang mga bulwagan niyon ay nakaharap sa panlabas na patyo at may mga puno ng palma sa mga haligi niyon, at ang hagdan nito ay may walong baytang. Dinala niya ako sa panloob na patyo sa dakong silangan, at sinukat niya ang pintuan — iyon ay kagaya ng sukat ng iba. Ang mga silid ng bantay, ang mga haligi niyon, at ang mga bulwagan niyon ay kagaya ng sukat ng iba; at may mga bintana sa palibot at sa mga bulwagan niyon. Limampung siko ang haba at dalawampu't limang siko ang luwang niyon. Ang mga bulwagan ay nakaharap sa panlabas na patyo at may mga puno ng palma sa mga haligi niyon, isa sa bawat panig. Ang hagdan nito ay may walong baytang. At dinala niya ako sa pintuang-daan sa hilaga, at sinukat niya iyon. Ang sukat nito ay gaya rin ng sa iba. Ang mga silid ng bantay nito, ang mga haligi niyon at mga bulwagan niyon ay may sukat na gaya rin ng iba at may mga bintana sa palibot. Ang haba nito ay limampung siko at ang luwang ay dalawampu't limang siko. Ang mga bulwagan niyon ay nakaharap sa panlabas na patyo at may mga puno ng palma sa mga haligi niyon, isa sa bawat panig. Ang hagdan nito ay may walong baytang. May isang silid na ang pintuan ay nasa bulwagan ng pintuan, na doon huhugasan ang handog na sinusunog. Sa bulwagan ng pintuan ay may dalawang mesa sa magkabilang panig, na doon kakatayin ang handog na sinusunog at ang handog pangkasalanan at ang handog para sa budhing nagkasala. Sa labas ng bulwagan sa pasukan ng pintuan sa dakong hilaga ay may dalawang mesa; at sa kabilang dako ng bulwagan ng pintuan ay may dalawang mesa. Apat na mesa ang nasa magkabilang dako sa tabi ng pintuan; o walong mesa ang kanilang pinagkakatayan ng mga handog. Mayroon ding apat na mesa na batong tinabas para sa handog na sinusunog, na isang siko at kalahati ang haba, at isang siko at kalahati ang luwang, at isang siko ang taas; na kanilang pinaglagyan ng mga kasangkapan na kanilang ginagamit sa pagkatay sa handog na sinusunog at sa mga alay. Ang mga kawit na isang lapad ng kamay ang haba ang nakakabit sa loob sa palibot. At sa ibabaw ng mga mesa ay ilalagay ang laman ng handog. Dinala niya ako mula sa labas patungo sa panloob na patyo. May dalawang silid sa panloob na patyo. Ang isa ay nasa tabi ng pintuang nakaharap sa timog at ang isa ay sa tabi ng pintuan sa silangan na nakaharap sa hilaga. Kanyang sinabi sa akin, Ang silid na ito na nakaharap sa timog ay sa mga pari na namamahala sa templo, ang silid na nakaharap sa hilaga ay para sa mga pari na namamahala sa dambana. Ang mga ito ay mga anak ni Zadok, na sa mga anak ni Levi ay sila lamang ang makakalapit sa PANGINOON upang maglingkod sa kanya. Sinukat niya ang bulwagan; ito'y isandaang siko ang haba, at isandaang siko ang luwang, parisukat; at ang dambana ay nasa harapan ng templo. Nang magkagayo'y dinala niya ako sa bulwagan ng bahay at sinukat niya ang haligi ng bulwagan. Ito'y limang siko sa magkabilang panig. Ang luwang ng pintuan ay labing-apat na siko. Ang tagilirang pader ng pintuan ay tatlong siko sa magkabilang panig. Ang haba ng bulwagan ay dalawampung siko, at ang luwang ay labing-isang siko, at ang hagdanan ay paakyat dito. Mayroon ding mga tukod sa tabi ng mga haligi sa magkabilang panig. At dinala niya ako sa templo at sinukat ang mga haligi. Anim na siko ang luwang ng haligi sa magkabilang panig. Ang luwang ng pasukan ay sampung siko; at ang mga pader sa tagiliran ng pasukan ay limang siko sa magkabilang panig. Sinukat niya ang haba ng templo at iyon ay apatnapung siko, at ang luwang nito ay dalawampung siko. Nang magkagayo'y pumasok siya sa loob, at sinukat ang mga haligi sa pasukan, na ito'y dalawang siko. Ang pasukan ay anim na siko at ang luwang ng pasukan ay pitong siko. At sinukat niya ang haba ng silid, dalawampung siko at ang luwang ay dalawampung siko sa harapan ng templo. At sinabi niya sa akin, "Ito ang dakong kabanal-banalan." Nang magkagayo'y sinukat niya ang pader ng bahay, anim na siko ang kapal; at ang luwang ng bawat tagilirang silid, apat na siko, sa palibot ng templo. At ang mga tagilirang silid ay tatlong palapag, patung-patong at tatlumpu sa bawat palapag. Mayroong mga suhay sa palibot ng pader ng bahay upang magsilbing haligi para sa mga tagilirang-silid, upang ang mga ito ay hindi pabigat sa pader ng bahay. At ang mga tagilirang silid ay papaluwang habang paitaas nang paitaas kagaya ng paglaki ng mga suhay sa bawat palapag sa palibot ng templo. Sapagkat ang paligid ng bahay ay pataas ng pataas, kaya't ang daan mula sa pinakamababang palapag hanggang sa pinakamataas na palapag sa pamamagitan ng gitnang palapag. Nakita ko rin na ang bahay ay may nakatayong plataporma sa palibot. Ang mga pundasyon ng mga tagilirang silid ay mayroong sukat na isang buong tambo na anim na siko ang haba. Ang kapal ng panlabas na pader ng mga tagilirang silid; ay limang siko, at ang bahaging bukas ng plataporma ay limang siko. Sa pagitan ng plataporma ng bahay at ng mga silid ng patyo ay dalawampung siko sa palibot ng bahay sa bawat panig. Ang mga pintuan ng mga tagilirang silid ay bukas sa bahagi ng plataporma na iniwang nakabukas — isang pintuan sa hilaga at isang pintuan sa timog. Ang luwang ng naiwang bukas ay limang siko sa palibot. Ang gusaling nakaharap sa bakuran ng bahay sa bahaging kanluran ay pitumpung siko ang luwang; at ang pader ng gusali ay limang siko ang kapal sa palibot, at ang haba niyon ay siyamnapung siko. Pagkatapos ay sinukat niya ang bahay, isandaang siko ang haba; ang bakuran, ang bahay at ang pader niyon, isandaang siko ang haba; gayundin ang luwang ng silangang harapan ng bahay at ang bakuran, isandaang siko. At sinukat niya ang haba ng gusali sa harapan ng bakuran na nasa likuran niyon, at ang mga galeria niyon sa magkabilang dako, isandaang siko; at ang looban ng templo at ang mga bulwagan ng looban. Ang mga pasukan at ang mga nasasarang bintana at ang mga galena sa palibot sa tatlong palapag, ang katapat na pasukan ay napapaligiran ng tabla sa palibot, mula sa sahig hanggang sa mga bintana (natatakpan ang mga bintana), sa pagitan ng itaas ng pintuan, hanggang sa pinakaloob ng bahay, at sa labas. At sa lahat ng pader sa palibot sa loob at sa labas ay sinukat. Ito ay niyari ng may nakaukit na mga kerubin at mga puno ng palma, isang puno ng palma sa pagitan ng mga kerubin. Bawat kerubin ay may dalawang mukha; ang mukha ng isang tao na nakaharap sa puno ng palma sa isang panig, at mukha ng batang leon na nakaharap sa puno ng palma sa kabilang panig. Ang mga ito ay nakaukit sa palibot ng buong bahay. Mula sa sahig hanggang sa itaas ng pintuan ay may nakaukit na mga kerubin at mga puno ng palma, gayon din sa pader ng templo. Ang mga haligi ng pintuan ng patyo ay parisukat; at sa harapan ng banal na dako ang anyo ng isang haligi na kagaya ng iba. Ang dambana ay kahoy, tatlong siko ang taas, at ang haba ay dalawang siko, at dalawang siko ang luwang. Ang mga sulok niyon, ang patungan at mga tagiliran ay kahoy. Sinabi niya sa akin, "Ito ang mesa na nasa harapan ng PANGINOON." Ang bulwagan at ang banal na dako ay may tigdalawang pintuan. Ang mga pintuan ay may tigdadalawang pinto, dalawang tiklop na pinto para sa bawat pintuan. Sa mga pintuan ng patyo ay nakaukit ang mga kerubin at mga puno ng palma, gaya ng nakaukit sa mga pader; at may pasukan na kahoy sa harapan ng bulwagan sa labas. May panloob na bintana at mga puno ng palma sa magkabilang panig, sa tagilirang pader ng bulwagan; ganito ang mga tagilirang silid ng bahay at mga pasukan. Nang magkagayo'y dinala niya ako sa patyo sa labas ng bahay, sa daan patungo sa hilaga, at dinala niya ako sa silid na nasa tapat ng bukod na dako at katapat ng gusali patungo sa hilaga. Sa kahabaan ng gusali na isandaang siko ay ang pintuang hilaga, at ang luwang ay limampung siko. Sa tapat ng dalawampung siko na kabilang sa panloob na patyo, at nakaharap sa nalalatagan ng bato na kabilang sa panlabas na patyo, ay ang galeria sa tapat ng galeria sa may tatlong palapag. At sa harapan ng mga silid ay may isang pasukang paloob na sampung siko ang luwang at isandaang siko ang haba; at ang mga pintuan nila ay nasa hilaga. Ang pang-itaas na silid ay mas makipot; sapagkat ang mga galeria ay kumukuha sa mga ito nang higit kaysa pang-ibaba at panggitnang silid sa gusali. Sila'y iniayos sa tatlong palapag, at walang mga haligi na gaya ng ibang gusali sa patyo. Kaya't ang ikatlo ay ginawang mas makipot kaysa pang-ibaba at panggitnang palapag mula sa lupa. Mayroong pader na nasa labas na malapit sa mga silid, sa dako ng patyo sa tapat ng mga silid, ang haba niyon ay limampung siko. Ang haba ng mga silid na nasa patyo ay limampung siko, at narito, ang harapan ng templo ay isandaang siko. Sa ilalim ng mga silid na ito ay ang pasukan sa dakong silangan, sa pagpasok mula sa patyo sa labas. Sa kakapalan ng pader ng looban sa dakong silangan, sa harap ng bukod na dako, at sa harap ng gusali ay mayroong mga silid. Ang daan sa harapan ng mga iyon ay gaya ng anyo ng mga silid na nasa dakong hilaga; ayon sa haba ay gayon din ang kanilang luwang, at ang labasan ay ayon sa kanilang ayos ng mga pintuan. At ayon sa mga pintuan ng mga silid na nasa dakong timog ay may isang pasukan. sa bukana ng daan, sa daang tuwid na patuloy sa harapan ng pader sa dakong silangan sa pagpasok sa mga iyon. Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, "Ang mga silid sa hilaga at ang mga silid sa timog na nasa harapan ng bukod na dako ay mga banal na silid, kung saan kakainin ng mga pari na lumalapit sa PANGINOON ang mga kabanal-banalang bagay. Doon nila ilalapag ang mga kabanal-banalang bagay — ang handog na butil, at ang handog pangkasalanan, at ang handog ng budhi na may sala; sapagkat ang dako ay banal. Kapag ang mga pari ay pumasok sa banal na dako, hindi sila lalabas sa banal na dako na papasok sa bulwagan sa labas hangga't hindi nila inilalapag doon ang mga kasuotan na kanilang ipinaglingkod, sapagkat ang mga iyon ay banal. Sila'y magsusuot ng ibang kasuotan bago sila magsisilapit sa mga bagay na para sa bayan." Nang matapos na niyang masukat ang loob ng bahay, inilabas niya ako sa pintuang nakaharap sa silangan, at sinukat ang bahay sa palibot. Sinukat niya sa dakong silangan ng panukat na tambo, limang daang siko sa panukat na tambo. Sinukat niya ang dakong hilaga, limang daang siko sa panukat na tambo. Pagkatapos ay sinukat niya ang dakong timog, limang daang siko sa panukat na tambo. At siya'y pumihit sa dakong kanluran at sinukat ito, limang daang siko sa panukat na tambo. Sinukat niya ito sa apat na sulok. May pader ito sa palibot, ang haba'y limang daang siko at ang luwang ay limang daang siko, upang ihiwalay ang banal sa karaniwan. Pagkatapos ay dinala niya ako sa pintuang-daan, ang pintuang-daang nakaharap sa dakong silangan. At narito, ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay nanggagaling sa dakong silangan. Ang kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at ang lupa ay nagningning sa kanyang kaluwalhatian. Ang pangitain na aking nakita ay gaya ng pangitain na nakita ko nang ako'y dumating upang gibain ang lunsod, at gaya ng pangitain na aking nakita sa tabi ng Ilog Chebar; at ako'y nasubasob. At ang kaluwalhatian ng PANGINOON ay pumasok sa bahay sa pintuang-daang nakaharap sa silangan, itinaas ako ng Espiritu, at dinala ako sa pinakaloob na bulwagan; at narito, napuno ng kaluwalhatian ng PANGINOON ang bahay. Habang ang lalaki ay nakatayo sa tabi ko, aking narinig ang isang nagsasalita sa akin mula sa bahay. At sinabi niya sa akin, "Anak ng tao, ito ang lugar ng aking trono, at lugar ng mga talampakan ng aking mga paa, na aking tinatahanan sa gitna ng mga anak ni Israel magpakailanman. Hindi na lalapastanganin pa ng sambahayan ni Israel ang aking banal na pangalan, sila man, o ng kanilang mga hari man, ng kanilang pagiging bayarang babae, at ng mga bangkay man ng kanilang mga hari, kung sila'y mamatay, sa kanilang paglalagay ng kanilang pasukan sa tabi ng aking pasukan, at ng kanilang mga haligi ng pintuan sa tabi ng aking mga haligi ng pintuan, na mayroon lamang pader sa pagitan ko at nila. Kanilang nilapastangan ang aking banal na pangalan sa pamamagitan ng kanilang mga kasuklamsuklam na kanilang ginawa; kaya't aking tinupok sila sa aking galit. Ngayon nga'y iwan nila ang kanilang pagiging bayarang babae, at ilayo sa akin ang mga bangkay ng kanilang mga hari, at ako'y tatahan sa gitna nila magpakailanman. "Ikaw, anak ng tao, ilarawan mo sa sambahayan ni Israel ang anyo at piano ng bahay, upang sila'y mapahiya sa kanilang mga kasamaan, at hayaang sukatin nila ang piano. Kung sila'y mapahiya sa lahat nilang ginawa, ilarawan mo ang anyo ng bahay, ang gusali, ang mga labasan at mga pasukan niyon, at ang buong anyo niyon. Ipaalam mo sa kanila ang lahat ng mga tuntunin niyon; at lahat ng kautusan niyon, at iyong isulat iyon sa kanilang paningin, upang kanilang maingatan ang buong anyo at ang lahat ng mga tuntunin ay maisagawa nila. Ito ang kautusan tungkol sa bahay: ang buong nasasakupan sa palibot ng taluktok ng bundok ay magiging kabanal-banalan. Narito, ito ang kautusan tungkol sa bahay. "Ang mga ito ang sukat ng dambana ayon sa mga siko (ang siko ay isang siko at isang lapad ng kamay): ang patungan ay isang siko ang taas, at ang luwang ay isang siko, at ang gilid niyon sa palibot ay isang dangkal. At ito ang magiging taas ng dambana: mula sa patungan sa lupa hanggang sa mababang palapag ay dalawang siko at ang luwang ay isang siko; at mula sa mababang palapag hanggang sa higit na mataas na palapag ay apat na siko, at ang luwang ay isang siko. Ang apuyan ng dambana ay apat na siko; at mula sa apuyan ng dambana hanggang sa dakong itaas ay may apat na sungay. At ang apuyan ng dambana ay magiging parisukat, labindalawang siko ang haba at labindalawang siko ang luwang. Ang patungan niyon ay parisukat din, labing-apat na siko ang haba at labing-apat na siko ang luwang. Ang gilid sa palibot ay magiging kalahating siko, at ang patungan niyon ay magiging isang siko sa palibot. Ang mga baytang niyon ay paharap sa silangan." Sinabi niya sa akin, "Anak ng tao, ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Ito ang mga tuntunin para sa dambana: Sa araw na ito'y kanilang itayo, upang paghandugan sa ibabaw ng mga handog na sinusunog, at upang pagwisikan ng dugo, iyong ibibigay sa mga paring Levita mula sa angkan ni Zadok na lumalapit sa akin upang maglingkod, ang isang guyang baka bilang handog pangkasalanan, sabi ng Panginoong DIYOS. At kukuha ka ng dugo niyon, at ilalagay mo sa apat na sungay niyon, at sa apat na sulok ng patungan, at sa laylayan sa palibot: ganito mo lilinisin iyon at tutubusin ito. Iyo rin namang kukunin ang batang toro na handog pangkasalanan, at susunugin mo sa itinakdang lugar ng bahay, sa labas ng banal na lugar. At sa ikalawang araw ay maghahandog ka ng kambing na lalaki na walang kapintasan na bilang handog pangkasalanan; at ang dambana ay malilinis gaya ng kanilang pagkalinis sa pamamagitan ng guyang toro. Pagkatapos mong malinis ito, maghahandog ka ng isang batang toro na walang kapintasan, at isang lalaking tupa na mula sa kawan na walang kapintasan. Ihahandog mo ang mga yaon sa harapan ng PANGINOON, at wiwisikan ng asin ang mga iyon ng mga pari, at kanilang ihahandog bilang handog na sinusunog sa PANGINOON. Pitong araw na maghahanda ka sa bawat araw ng isang kambing bilang handog pangkasalanan. Maghahanda rin sila ng batang toro, at isang lalaking tupang mula sa kawan, na walang kapintasan. Pitong araw na kanilang tutubusin ang dambana at lilinisin; gayon din nila itatalaga. At kapag kanilang naganap ang mga araw na ito, mangyayari na sa ikawalong araw at sa haharapin, maghahandog sa dambana ang mga pari ng inyong mga handog na sinusunog at ang inyong mga handog pangkapayapaan; at aking tatanggapin kayo, sabi ng Panginoong DIYOS." Nang magkagayo'y ibinalik niya ako sa panlabas na pintuan ng santuwaryo na nakaharap sa dakong silangan; at ito'y nakasara. At sinabi ng PANGINOON sa akin, "Ang pintuang ito ay mananatiling nakasara. Hindi ito bubuksan, at walang sinumang makakapasok dito; sapagkat ito'y pinasukan ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel; kaya't ito'y mananatiling nakasara. Tungkol sa pinuno, siya ay uupo roon bilang pinuno upang kumain ng tinapay sa harapan ng PANGINOON. Siya'y papasok sa daan ng bulwagan ng pintuan, at lalabas sa daan ding iyon." Nang magkagayo'y kanyang dinala ako sa daan ng pintuan sa hilaga sa harapan ng bahay. Ako'y tumingin at nakita ko na napuno ng kaluwalhatian ng PANGINOON ang bahay ng PANGINOON, at sumubsob ako sa lupa. At sinabi ng PANGINOON sa akin, "Anak ng tao, tandaan mong mabuti, masdan mo ng iyong mga mata, at pakinggan mo ng iyong mga pandinig ang lahat ng aking sasabihin sa iyo tungkol sa lahat ng alituntunin hinggil sa bahay ng PANGINOON, at ang lahat ng kautusan doon. Tandaan mong mabuti ang pasukan sa bahay at lahat ng labasan sa santuwaryo. Iyong sasabihin sa mapaghimagsik, sa sambahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: O kayong sambahayan ni Israel, tigilan na ninyo ang lahat ninyong mga kasuklamsuklam, sa inyong pagtanggap ng mga dayuhan na hindi tuli sa puso at hindi tuli sa laman, upang makapasok sa aking santuwaryo, na nilalapastangan ang aking bahay, kapag inyong inihahandog ang aking pagkain, ang taba at ang dugo. Sinira ninyo ang aking tipan, ito'y dagdag sa lahat ninyong mga kasuklamsuklam. Hindi ninyo iningatan ang aking mga banal na bagay; kundi kayo'y naglagay ng mga dayuhan upang mangasiwa sa aking santuwaryo. "Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Walang dayuhan na hindi tuli sa puso at sa laman, sa lahat ng mga dayuhang kasama ng bayang Israel, ang papasok sa aking santuwaryo. Ngunit ang mga Levita na lumayo sa akin, nang ang Israel ay tumalikod sa akin sa pagsunod sa kanilang mga diyus-diyosan, ay magdaranas ng kanilang kaparusahan. Gayunman, sila'y magiging tagapangasiwa sa aking santuwaryo, mamamahala sa mga pintuan ng bahay at maglilingkod sa bahay. Kanilang kakatayin ang handog na sinusunog at ang alay para sa bayan, at kanilang aasikasuhin ang bayan upang paglingkuran sila. Sapagkat kanilang pinaglingkuran sila sa harapan ng kanilang mga diyus-diyosan, at naging katitisuran nila sa ikasasama ng sambahayan ni Israel. Kaya't ako'y sumumpa tungkol sa kanila, sabi ng Panginoong DIYOS, at daranasin nila ang kanilang kaparusahan. Hindi sila lalapit sa akin upang maglingkod sa akin bilang pari, o lalapit man sa alinman sa aking mga banal na bagay at sa mga bagay na kabanal-banalan; kundi tataglayin nila ang kanilang kahihiyan, dahil sa mga kasuklamsuklam na kanilang ginawa. Gayunma'y hihirangin ko silang tagapangasiwa ng bahay, upang gawin ang lahat nitong paglilingkod at lahat ng dapat gawin doon. "Ngunit ang mga paring Levita na mga anak na lalaki ni Zadok, na nangangasiwa ng aking santuwaryo nang ang mga anak ni Israel ay magsihiwalay sa akin, ay lalapit sa akin upang maglingkod sa akin. Sila'y maglilingkod sa akin upang maghandog ng taba at ng dugo, sabi ng Panginoong DIYOS: Sila'y papasok sa aking santuwaryo, at sila'y lalapit sa aking hapag upang maglingkod sa akin at gagawin nila ang aking tagubilin. Kapag sila'y papasok sa mga pintuan ng pinakaloob na bulwagan, magsusuot sila ng kasuotang telang lino. Hindi sila gagamit ng anumang lana habang sila'y nangangasiwa sa mga pintuan ng pinakaloob na bulwagan at sa loob. Sila'y magsusuot ng turbanteng lino sa kanilang mga ulo, at magtatapis ng telang lino sa kanilang mga balakang; hindi sila magbibigkis ng anumang nakapagpapapawis. Kapag sila'y lumabas sa panlabas na bulwagan, sa panlabas na bulwagang patungo sa mga tao, huhubarin nila ang kanilang mga kasuotan na kanilang ipinangangasiwa, at ilalagay nila ang mga ito sa mga banal na silid. Magsusuot sila ng ibang mga kasuotan, baka mahawa nila ng kabanalan ang mga tao sa pamamagitan ng kanilang mga kasuotan. Hindi nila aahitan ang kanilang mga ulo, ni pahahabain man ang kanilang buhok. Kanila lamang gugupitan ang buhok ng kanilang mga ulo. Hindi iinom ng alak ang sinumang pari kapag siya'y papasok sa pinakaloob na bulwagan. Hindi sila mag-aasawa ng babaing balo, o ng babaing hiwalay sa asawa, kundi sa isang birhen lamang sa lahi ng sambahayan ni Israel, o sa babaing balo na nabalo sa pari. Kanilang ituturo sa aking bayan ang pagkakaiba ng banal at ng karaniwan, at ituturo sa kanila kung paano bibigyan ng pagkakaiba ang marumi at malinis. Sa isang pagtatalo ay tatayo sila bilang mga hukom, at hahatulan nila iyon ayon sa aking mga hatol. Kanilang iingatan ang aking mga kautusan at ang aking mga tuntunin sa lahat kong takdang kapistahan; at kanilang ipangingilin ang aking mga Sabbath. Hindi nila dudungisan ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paglapit sa isang patay na tao. Gayunman, para sa ama, o sa ina, o sa anak na lalaki o babae, sa kapatid na lalaki o babae na walang asawa, ay maaari nilang dungisan ang kanilang mga sarili. Pagkatapos na siya'y madungisan, sila'y bibilang ng pitong araw at siya'y magiging malinis. Sa araw na siya'y pumasok sa banal na dako, sa pinakaloob na bulwagan upang maglingkod sa santuwaryo, siya'y maghahandog ng kanyang handog pangkasalanan, sabi ng Panginoong DIYOS. Sila'y hindi magkakaroon ng mana; ako'y kanilang mana at hindi ninyo sila bibigyan ng ari-arian sa Israel; ako'y kanilang ari-arian. Sila'y kakain ng handog na butil, ng handog pangkasalanan, at ng handog dahil sa budhing maysala. Bawat bagay na itinalaga sa Israel ay magiging kanila. Ang una sa lahat na unang bunga ng bawat bagay, at bawat alay ng bawat bagay sa lahat ninyong mga handog ay magiging sa pari. Inyo ring ibibigay sa mga pari ang una sa inyong masa upang pagpalain ang inyong bahay. Ang mga pari ay hindi kakain ng anumang bagay na namamatay sa kanyang sarili, o nalapa, maging ibon o hayop man. "Kapag inyong hinati sa pamamagitan ng palabunutan ang lupain bilang ari-arian, inyong itatalaga para sa PANGINOON ang isang bahagi ng lupain bilang banal na lugar, ang haba ay dalawampu't limang libong siko, at ang luwang ay sampung libo. Ito'y magiging banal sa lahat ng hangganan nito sa palibot. Dito'y magkakaroon para sa santuwaryo ng lupang parisukat na limang daang siko ang haba at luwang na may limampung sikong bukas na lugar sa palibot niyon. At sa lugar na ito ay susukat kayo ng isang bahaging ang haba ay dalawampu't limang libong siko at ang luwang ay sampung libong siko. Ito ang magiging lugar ng santuwaryo, ang kabanal-banalang dako. Ito ang magiging banal na bahagi ng lupain; ito'y para sa mga pari na nangangasiwa sa santuwaryo at nagsisilapit sa PANGINOON upang maglingkod sa kanya. Ito'y magiging dakong kalalagyan ng kanilang mga bahay at banal na dakong kalalagyan ng santuwaryo. Ang ibang bahagi na dalawampu't limang libong siko ang haba at sampung libong siko ang luwang ay magiging para sa mga Levita na naglilingkod sa templo, bilang kanilang pag-aari sa mga bayan na tatahanan. "Sa tabi ng bahaging itinalaga bilang banal na lugar ay maglalagay kayo upang maging pag-aari ng bayan, ng isang bahagi na limang libong siko ang luwang at dalawampu't limang libong siko ang haba. Ito'y para sa buong sambahayan ni Israel. "Para sa pinuno ay mapupunta ang lupain sa magkabilang dako ng banal na lugar at pag-aari ng lunsod, katabi ng banal na lugar at ng pag-aari ng bayan, sa kanluran at sa silangan. Ang haba ay ayon sa isa sa mga bahagi, mula sa hangganang kanluran hanggang sa hangganang silangan. Ito'y magiging kanyang pag-aari sa Israel. Hindi na aapihin pa ng aking mga pinuno ang aking bayan; kundi ibibigay nila ang lupain sa sambahayan ni Israel ayon sa kanilang mga lipi. "Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Tama na, O mga pinuno ng Israel! Alisin ninyo ang karahasan at pang-aapi, at magsagawa kayo ng katarungan at katuwiran. Ihinto na ninyo ang pagpapaalis sa aking bayan, sabi ng Panginoong DIYOS. "Kayo'y magkakaroon ng mga tamang timbangan, tamang efa, at tamang bat. Ang efa at ang bat ay magiging iisang takalan, ang bat ay maglalaman ng ikasampung bahagi ng isang omer, at ang efa ay ikasampung bahagi ng isang omer: ang omer ang maging pamantayan ng panukat. At ang siklo ay magiging dalawampung gera; dalawampung siklo, dalawampu't limang siklo, at labinlimang siklo ay siyang magiging maneh ninyo. "Ito ang alay na inyong ihahandog: ang ikaanim na bahagi ng isang efa mula sa isang omer ng trigo; at ang ikaanim na bahagi ng isang efa mula sa isang omer ng sebada; ang takdang bahagi ng langis, ng bat ng langis, ang ikasampung bahagi ng bat mula sa bawat koro (ang koro, gaya ng omer, ay may sampung bat); at isang batang tupa mula sa bawat kawan na dalawandaan, mula sa mga masaganang pastulan ng sambahayan ng Israel. Ito ang handog na butil, handog na susunugin, at handog pangkapayapaan, upang ipantubos sa kanila, sabi ng Panginoong DIYOS. Ang buong bayan ng lupain ay magbibigay ng alay na ito sa pinuno sa Israel. Magiging tungkulin ng pinuno na magbigay ng mga handog na sinusunog, mga handog na butil, mga inuming handog, sa mga kapistahan, sa mga bagong buwan, sa mga Sabbath, sa lahat ng takdang kapistahan ng sambahayan ni Israel. Siya'y maghahanda ng handog pangkasalanan, handog na butil, handog na sinusunog, at ng mga handog pangkapayapaan upang ipantubos sa sambahayan ni Israel. "Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Sa unang araw ng unang buwan, kukuha ka ng batang toro na walang kapintasan; at iyong lilinisin ang santuwaryo. At ang pari ay kukuha ng dugo ng handog pangkasalanan, at ilalagay sa mga haligi ng pintuan ng templo, sa apat na sulok ng patungang dambana, at sa mga haligi ng pintuan ng pinakaloob ng bulwagan. Gayundin ang iyong gagawin sa ikapitong araw ng buwan para sa bawat nagkakasala dahil sa pagkakamali o kawalang-malay; gayon ninyo tutubusin ang bahay. "Sa ikalabing-apat na araw ng unang buwan, magdiriwang kayo ng paskuwa, isang kapistahan sa loob ng pitong araw. Tinapay na walang pampaalsa ang kakainin sa loob ng pitong araw. Sa araw na iyon ay maghahanda ang pinuno para sa kanya at sa buong bayan ng lupain ng isang guyang toro bilang handog pangkasalanan. Sa pitong araw ng kapistahan ay ipaghahanda niya ng handog na sinusunog ang PANGINOON, pitong guyang toro at pitong lalaking tupa na walang kapintasan sa araw-araw sa loob ng pitong araw; at isang kambing na lalaki araw-araw bilang handog pangkasalanan. Siya'y maghahanda ng handog na butil, ng isang efa sa isang toro, at ng isang efa sa isang lalaking tupa, at isang hin ng langis sa isang efa. Sa ikalabinlimang araw ng ikapitong buwan, at sa loob ng pitong araw ng kapistahan, gagawin niya ang gayunding paghahanda para sa handog pangkasalanan, handog na sinusunog, at handog na butil, at para sa langis. "Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Ang pintuan ng pinakaloob na bulwagan na nakaharap sa dakong silangan ay sasarhan sa panahon ng anim na araw na paggawa. Ngunit sa Sabbath, ito ay bubuksan, at sa araw ng bagong buwan ay bubuksan ito. Ang pinuno ay papasok sa tabi ng patyo ng pintuan sa labas, at tatayo sa tabi ng haligi ng pintuan. Ihahandog ng mga pari ang kanyang handog na sinusunog at ang kanyang mga handog pangkapayapaan, at siya'y sasamba sa may pasukan ng pintuan. Pagkatapos lalabas siya, ngunit ang pintuan ay hindi sasarhan hanggang sa hapon. Ang mamamayan ng lupain ay sasamba sa may pasukan ng pintuang iyon sa harapan ng PANGINOON sa mga Sabbath at sa mga bagong buwan. Ang handog na sinusunog na ihahandog ng pinuno sa PANGINOON sa araw ng Sabbath ay anim na batang tupa na walang kapintasan at isang lalaking tupang walang kapintasan. Ang handog na butil na kasama ng lalaking tupa ay isang efa, at ang handog na butil na kasama ng mga batang tupa ay kasindami ng kaya niya, at isang hin ng langis sa bawat efa. Sa araw ng bagong buwan ay maghahandog siya ng isang guyang toro na walang kapintasan at anim na batang tupa at isang lalaking tupa na walang kapintasan. Bilang handog na butil ay maghahandog siya ng isang efa kasama ng toro, at isang efa kasama ng lalaking tupa, at ng mga batang tupa ayon sa kanyang kaya, at isang hin na langis sa bawat efa. Kapag ang pinuno ay papasok, siya'y papasok sa daan ng portiko ng pintuan, at sa daan ding iyon siya lalabas. "Kapag ang bayan ng lupain ay haharap sa PANGINOON sa mga takdang kapistahan, ang papasok sa pintuan sa hilaga upang sumamba ay lalabas sa pintuan sa timog. Ang papasok sa pintuan sa timog ay lalabas sa pintuan sa hilaga. Walang babalik sa pintuan na kanyang pinasukan, kundi bawat isa ay tuluy-tuloy na lalabas. Kapag sila'y pumasok, ang pinuno ay papasok na kasama nila; at kapag sila'y lumabas, siya ay lalabas. "Sa mga kapistahan at sa mga takdang panahon, ang handog na butil kasama ng guyang toro ay magiging isang efa, at kasama ng isang lalaking tupa ay isang efa, at kasama ng mga batang tupa ay ang kayang ibigay niya, at isang hin ng langis sa isang efa. Kapag ang pinuno ay maghahanda ng kusang handog na sinusunog o ng mga handog pangkapayapaan bilang kusang handog sa PANGINOON, bubuksan para sa kanya ang pintuang nakaharap sa silangan. Kanyang iaalay ang kanyang handog na sinusunog at mga handog pangkapayapaan gaya ng kanyang ginagawa sa araw ng Sabbath. Pagkatapos ay lalabas siya, at pagkalabas niya ay sasarhan ang pintuan. "Siya ay maglalaan ng isang batang tupa na isang taong gulang na walang kapintasan bilang handog na sinusunog sa PANGINOON araw-araw; tuwing umaga ay maghahanda siya. At siya'y maglalaan ng handog na butil na kasama niyon tuwing umaga, ikaanim na bahagi ng isang efa, at ikatlong bahagi ng isang hin ng langis, upang basain ang harina, bilang handog na butil sa PANGINOON. Ito ang batas para sa patuloy na handog na sinusunog. Gayon nila ilalaan ang batang tupa, ang handog na butil, at ang langis, tuwing umaga, bilang patuloy na handog na sinusunog. "Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: Kung ang pinuno ay magbigay ng regalo sa kanino man sa kanyang mga anak mula sa kanyang mana, iyon ay mapapabilang sa kanyang mga anak; ito'y kanilang pagaari bilang mana. Ngunit kung siya'y magbigay ng regalo mula sa kanyang mana sa isa sa kanyang mga alipin, iyon ay magiging kanya hanggang sa taon ng kalayaan. Kung magkagayo'y ibabalik ito sa pinuno. Tanging ang kanyang mga anak ang makapag-iingat ng regalo mula sa kanyang mana. Hindi kukunin ng pinuno ang alinman sa mana ng taong-bayan, na aalisin sa kanila ang kanilang pag-aari. Siya'y magbibigay ng mana sa kanyang mga anak mula sa kanyang sariling pag-aari, upang walang sinuman sa aking bayan ang mawalan ng kanyang pag-aari." Nang magkagayo'y dinala niya ako sa pasukan na nasa tabi ng pintuan, sa hilagang hanay ng mga banal na silid na para sa mga pari. Doon ay nakita ko ang isang lugar sa pinakadulong kanluran ng mga iyon. Sinabi niya sa akin, "Ito ang dako na pagpapakuluan ng mga pari ng handog pangkasalanan at ng handog sa budhing maysala, na siyang kanilang paglulutuan ng handog na butil, upang huwag nilang mailabas sa bulwagan sa labas upang banalin ang bayan." Nang magkagayo'y inilabas niya ako sa panlabas na bulwagan at dinala niya ako sa apat na sulok ng looban. Sa bawat sulok ng bulwagan ay may isang bulwagan. Sa apat na sulok ng bulwagan ay may mga maliliit na bulwagan, apatnapung siko ang haba at tatlumpu ang luwang: ang apat ay magkakatulad ang laki. Sa palibot ng mga iyon ay may isang pader, sa palibot nilang apat at may ginawang dako ng pagpapakuluan sa ilalim ng mga hanay sa palibot. Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, "Ito ang mga dakong pakuluan na pagpapakuluan ng mga tagapangasiwa sa bahay ng handog ng bayan." Ibinalik niya ako sa pintuan ng bahay, at narito, ang tubig ay lumalabas sa ilalim ng pasukan ng bahay sa dakong silangan (sapagkat ang bahay ay nakaharap sa silangan); at ang tubig ay umaagos mula sa ilalim ng dakong kanan ng bahay, mula sa timog ng dambana. Nang magkagayo'y inilabas niya ako sa daan ng pintuan sa hilaga at inilibot niya ako sa palibot ng pintuan sa labas sa daan ng pintuan na nakaharap sa silangan; at narito, lumalabas ang tubig sa dakong timog. Nang ang lalaki ay lumabas sa dakong silangan na may pising panukat sa kanyang kamay, siya'y sumukat ng isang libong siko, at pinaraan niya ako sa tubig. Ang lalim ay hanggang bukung-bukong. Muling sumukat siya ng isang libo, at dinala niya ako sa tubig, at ang lalim nito ay hanggang tuhod. Muli siyang sumukat ng isang libo, at dinala niya ako sa tubig, at ito ay hanggang sa mga balakang. Muli siyang sumukat ng isang libo, at ito ay isang ilog na hindi ko madaanan sapagkat ang tubig ay tumaas na. Sapat ang lalim nito upang languyan, ilog na hindi madadaanan. At sinabi niya sa akin, "Anak ng tao, nakita mo na ba ito?" Nang magkagayo'y dinala niya akong pabalik sa pampang ng ilog. Sa aking pagbalik, narito sa pampang ng ilog ang napakaraming punungkahoy sa magkabilang panig. At sinabi niya sa akin, "Ang tubig na ito ay umaagos sa dakong silangang lupain, at bababa sa Araba. At sila'y aagos patungo sa dagat, na ginawang paagusin sa dagat, ang tubig ng dagat ay magiging sariwa. At mangyayari na bawat nilalang na may buhay na dumarami ay mabubuhay saanmang dako umagos ang tubig. At magkakaroon ng napakaraming isda; sapagkat ang tubig na ito ay darating doon, ang tubig ng dagat ay magiging tabang; kaya't lahat ay mabubuhay saanman dumating ang ilog. Ang mga mangingisda ay tatayo sa tabi nito. Mula sa En-gedi hanggang sa En-eglaim ay magiging dakong bilaran ng mga lambat. Ang mga isda ng mga iyon ay magiging napakaraming uri, gaya ng isda ng Malaking Dagat, na napakarami. Ngunit ang kanyang mga dakong maburak at mga lumbak ay hindi magiging tabang; ang mga ito ay maiiwan upang maging asinan. At sa mga pampang ng ilog sa isang dako at sa kabila, ay tutubo roon ang lahat ng uri ng punung-kahoy bilang pagkain. Ang kanilang mga dahon ay hindi matutuyo, ni mawawalan man ng kanilang bunga, kundi magbubunga ng sariwa buwan-buwan, sapagkat ang tubig para sa kanila ay umaagos mula sa santuwaryo. Ang kanilang bunga ay magiging pagkain at ang kanilang dahon ay pampagaling." Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: "Ito ang magiging hangganan na inyong pagbabahagihan ng lupain na pinakamana ayon sa labindalawang lipi ng Israel. Ang Jose ay magkakaroon ng dalawang bahagi. At inyong hahatiin ito bilang mana, ang bawat isa ay katulad ng iba; sapagkat aking ipinangakong ibibigay ito sa inyong mga ninuno, at ang lupaing ito ay ibibigay sa inyo bilang inyong pamana. "Ito ang magiging hangganan ng lupain: Sa dakong hilaga, mula sa Malaking Dagat, sa daang Hetlon, hanggang sa pasukan ng Zedad, Hamat, Berotha, Sibrahim, na nasa pagitan ng hangganan ng Damasco at hangganan ng Hamat hanggang sa Haser-hatticon, na nasa tabi ng hangganan ng Hauran. Kaya't ang hangganan ay mula sa dagat hanggang sa Hazar-enon, na nasa hilagang hangganan ng Damasco, na ang hangganan ay ang Hamat sa hilaga. Ito ang dakong hilaga. "Sa dakong silangan, ang hangganan ay mula sa Hazar-enon sa pagitan ng Hauran at ng Damasco, katapat ng Jordan sa pagitan ng Gilead at lupain ng Israel; sa silangang dagat hanggang sa Tamar. Ito ang dakong silangan. "Sa dakong timog ay magiging mula sa Tamar hanggang sa tubig ng Meribat-cades, sa batis ng Ehipto, hanggang sa Malaking Dagat. Ito ang timugang dako. "Sa dakong kanluran, ang Malaking Dagat ang magiging hangganan sa isang lugar sa tapat ng pasukan sa Hamat. Ito ang dakong kanluran. "Gayon ninyo hahatiin ang lupaing ito sa inyo ayon sa mga lipi ng Israel. Inyong hahatiin sa pamamagitan ng palabunutan bilang mana sa inyo at sa mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo at magkakaanak sa gitna ninyo. Sila'y magiging sa inyo'y gaya ng katutubong ipinanganak sa gitna ng mga anak ni Israel. Sila'y magkakaroon ng mana na kasama ninyo sa gitna ng mga lipi ng Israel. Saan mang lipi manirahan ang dayuhan, doon ninyo bibigyan siya ng mana, sabi ng Panginoong DIYOS. Ang mga ito ang mga pangalan ng mga lipi: Mula sa dulong hilaga, sa tabi ng daan ng Hetlon hanggang sa pasukan sa Hamat, hanggang sa Hazar-enon, (na nasa hilagang hangganan ng Damasco sa ibabaw ng Hamat) at patuloy hanggang sa dakong silangan hanggang sa kanluran, ang Dan, isang bahagi. Sa tabi ng nasasakupan ng Dan, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Aser, isang bahagi. Sa tabi ng nasasakupan ng Aser, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Neftali, isang bahagi. Sa tabi ng nasasakupan ng Neftali, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Manases, isang bahagi. Sa tabi ng nasasakupan ng Manases, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Efraim, isang bahagi. Sa tabi ng nasasakupan ng Efraim, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Ruben, isang bahagi. Sa tabi ng nasasakupan ng Ruben, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Juda, isang bahagi. "Sa tabi ng nasasakupan ng Juda, mula sa dakong silangan hanggang sa kanluran, ay ang bahagi na inyong ibubukod, dalawampu't limang libong siko ang luwang, at ang haba ay gaya ng isa sa mga bahagi ng lipi, mula sa dakong silangan hanggang sa kanluran; at ang santuwaryo ay malalagay sa gitna niyon. Ang bahagi na inyong ibubukod sa PANGINOON ay magiging dalawampu't limang libong siko ang haba, at sampung libo ang luwang. Ang mga ito ang para sa banal na bahagi: ang mga pari ang magkakaroon ng bahagi na ang sukat ay dalawampu't limang libong siko sa hilagang bahagi. Sa dakong kanluran ay sampung libo ang luwang, sa dakong silangan ay sampung libo ang luwang, sa dakong timog ay dalawampu't limang libo ang haba, at ang santuwaryo ng PANGINOON ay malalagay sa gitna niyon. Ito'y para sa mga itinalagang pari na mga anak ni Zadok, na gumaganap ng aking bilin at hindi nagpakaligaw nang maligaw ang mga anak ni Israel, gaya ng ginawa ng mga Levita. Ito'y magiging kanila bilang tanging bahagi mula sa banal na bahagi ng lupain, kabanal-banalang lugar, sa tabi ng nasasakupan ng mga Levita. Sa tabi ng nasasakupan ng mga pari, ang mga Levita ay magkakaroon ng dalawampu't limang libong siko ang haba, at sampung libo ang luwang. Ang buong haba ay magiging dalawampu't limang libo, at ang luwang ay sampung libo. Hindi nila ipagbibili, o ipagpapalit ang alinman doon. Hindi nila isasalin o ipagkakaloob sa iba man ang mga piling bahaging ito ng lupain, sapagkat ito'y banal sa PANGINOON. "Ang naiwan, limang libong siko ang luwang at dalawampu't limang libo ang haba, ay para sa karaniwang gamit para sa lunsod, upang tirahan at para sa bukas na lupain. Ang lunsod ay malalagay sa gitna niyon. Ang mga ito ang magiging mga sukat niyon: sa dakong hilaga ay apat na libo at limang daang siko, sa dakong timog ay apat na libo at limang daan, sa dakong silangan ay apat na libo at limang daang siko, at sa dakong kanluran ay apat na libo at limang daan. Ang lunsod ay magkakaroon ng bukas na lupain: sa dakong hilaga ay dalawandaan at limampung siko, sa dakong timog ay dalawandaan at limampu, sa dakong silangan ay dalawandaan at limampu, at sa dakong kanluran ay dalawandaan at limampu. Ang nalabi sa kahabaan sa tabi ng banal na bahagi ay magiging sampung libong siko sa dakong silangan at sampung libo sa dakong kanluran; at ito'y magiging katabi ng banal na bahagi. Ang bunga niyon ay magiging pagkain para sa mga manggagawa ng lunsod. At ang mga manggagawa ng lunsod mula sa lahat ng mga lipi ng Israel ang magbubungkal noon. Ang buong bahagi na inyong ibubukod ay magiging dalawampu't limang libong sikong parisukat, ito ay ang banal na bahagi pati ang pag-aari ng lunsod. "Ang nalabi sa magkabilang panig ng banal na bahagi at sa pag-aari ng lunsod ay magiging sa pinuno. Mula sa dalawampu't limang libong siko ng banal na bahagi hanggang sa silangang hangganan, at pakanluran mula sa dalawampu't limang libong siko sa kanlurang hangganan, katapat ng bahagi ng mga angkan, ay magiging para sa mga pinuno. Ang banal na bahagi at ang santuwaryo ng templo ay malalagay sa gitna niyon. Ang pag-aari ng mga Levita at ng lunsod ay malalagay sa gitna ng pag-aari ng pinuno. Ang bahagi ng pinuno ay malalagay sa pagitan ng nasasakupan ng Juda at ng Benjamin. "At tungkol sa nalabi sa mga lipi: mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Benjamin, isang bahagi. Sa tabi ng nasasakupan ng Benjamin, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Simeon, isang bahagi. Sa tabi ng nasasakupan ng Simeon, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Isacar, isang bahagi. Sa tabi ng nasasakupan ng Isacar, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Zebulon, isang bahagi. Sa tabi ng nasasakupan ng Zebulon, mula sa dakong silangan hanggang sa dakong kanluran, ang Gad, isang bahagi. Sa tabi ng nasasakupan ng Gad sa dakong timog, ang hangganan ay magiging mula sa Tamar hanggang sa tubig ng Meribat-cades sa batis ng Ehipto, hanggang sa Malaking Dagat. Ito ang lupain na inyong paghahatian sa pamamagitan ng palabunutan sa mga lipi ng Israel bilang mana, at ang mga ito ang kanilang mga iba't ibang bahagi, sabi ng Panginoong DIYOS. "Ang mga ito ang mga labasan sa lunsod: Sa dakong hilaga ay apat na libo at limang daang siko sa sukat, tatlong mga pintuan: ang pintuan ng Ruben, ang pintuan ng Juda, at ang pintuan ng Levi, ang mga pintuan ng lunsod ay magiging ayon sa mga pangalan ng mga lipi ng Israel. Sa dakong silangan na apat na libo at limang daang siko ay tatlong pintuan: ang pintuan ng Jose, ang pintuan ng Benjamin, at pintuan ng Dan. Sa dakong timog na apat na libo at limang daang siko sa sukat ay tatlong pintuan: ang pintuan ng Simeon, ang pintuan ng Isacar, at ang pintuan ng Zebulon. Sa dakong kanluran na apat na libo at limang daang siko ay tatlong pintuan: ang pintuan ng Gad, ang pintuan ng Aser, at ang pintuan ng Neftali. Ang sukat sa palibot ng lunsod ay labingwalong libong siko. At ang magiging pangalan ng lunsod mula sa araw na yaon ay, Ang PANGINOON ay naroroon." Nang ikatlong taon ng paghahari ni Jehoiakim na hari ng Juda, dumating sa Jerusalem si Nebukadnezar na hari ng Babilonia at kinubkob iyon. At ibinigay ng Panginoon si Jehoiakim na hari ng Juda sa kanyang kamay, kabilang ang ilan sa mga kagamitan sa bahay ng Diyos. Ang mga ito ay dinala niya sa lupain ng Shinar sa bahay ng kanyang diyos, at inilagay niya ang mga kagamitan sa kabang-yaman ng kanyang diyos. At inutusan ng hari si Aspenaz, na pinuno ng kanyang mga eunuko, na dalhin ang ilan sa mga Israelita na mula sa lahi ng hari at sa mga maharlika, mga kabataang walang kapintasan, makikisig at bihasa sa lahat ng sangay ng karunungan, may taglay na kaalaman at pang-unawa, at may kakayahang maglingkod sa palasyo ng hari. Ituturo sa kanila ang panitikan at wika ng mga Caldeo. Ang hari ay nagtakda sa kanila sa araw-araw ng bahagi mula sa pagkain na kinakain at alak na iniinom ng hari. Sila'y tuturuan sa loob ng tatlong taon upang sa katapusan ng panahong iyon ay mailagay sila sa bulwagan ng hari. Kabilang sa mga ito ay sina Daniel, Hananias, Mishael, at Azarias mula sa lipi ni Juda. Binigyan sila ng pinuno ng mga eunuko ng ibang pangalan: si Daniel ay tinawag na Belteshasar, si Hananias ay tinawag na Shadrac; si Mishael ay tinawag na Meshac, at si Azarias ay tinawag na Abednego. Ngunit ipinasiya ni Daniel na hindi niya durungisan ang sarili sa pamamagitan ng bahagi ng pagkaing mula sa hari o ng alak man na kanyang iniinom. Kaya't kanyang hiniling sa pinuno ng mga eunuko na pahintulutan siyang huwag dungisan ang kanyang sarili. At pinahintulutan ng Diyos na si Daniel ay tumanggap ng lingap at habag mula sa pinuno ng mga eunuko. Sinabi ng pinuno ng mga eunuko kay Daniel, "Ako'y natatakot na baka makita ng aking panginoong hari na nagtakda ng inyong pagkain at inumin, na kayo ay nasa mas masamang kalagayan kaysa mga kabataan na inyong kasinggulang. Kaya't ilalagay ninyo sa panganib ang aking ulo sa hari." Nang magkagayo'y sinabi ni Daniel sa katiwala na hinirang ng pinuno ng mga eunuko upang mamuno kina Daniel, Hananias, Mishael, at Azarias: "Subukin mo po sana ang iyong mga lingkod sa loob ng sampung araw. Bigyan mo kami ng mga gulay na makakain at tubig na maiinom. Pagkatapos ay ihambing mo ang aming anyo sa anyo ng mga kabataang nagsisikain ng pagkain ng hari; at ayon sa iyong makikita ay gawin mo sa iyong mga lingkod." Kaya't sumang-ayon siya sa mungkahing ito, at sinubok sila sa loob ng sampung araw. Sa katapusan ng sampung araw ay nakitang higit na mabuti ang kanilang anyo at higit na mataba kaysa lahat ng mga kabataang nagsikain ng pagkain ng hari. Kaya't inalis ng katiwala ang kanilang bahaging pagkain at alak na mula sa hari, at binigyan sila ng mga gulay. Tungkol sa apat na mga binatang ito, pinagkalooban sila ng Diyos ng kaalaman at katalinuhan sa lahat ng turo at karunungan. Si Daniel ay mayroong pagkaunawa sa lahat ng pangitain at mga panaginip. Sa katapusan ng mga araw na itinakda ng hari sa paghaharap sa kanila, ipinasok sila ng pinuno ng mga eunuko sa harap ni Nebukadnezar. At ang hari ay nakipag-usap sa kanila, at sa kanilang lahat ay walang natagpuang gaya nina Daniel, Hananias, Mishael, at Azarias. Kaya't sila'y inilagay sa bulwagan ng hari. At sa bawat bagay tungkol sa karunungan at pang-unawa na inusisa ng hari sa kanila, kanyang natuklasan na sila'y sampung ulit na mas mahusay kaysa sa lahat ng salamangkero at mga engkantador na nasa kanyang buong kaharian. At si Daniel ay namalagi roon hanggang sa unang taon ng haring si Ciro. Sa ikalawang taon ng paghahari ni Nebukadnezar, si Nebukadnezar ay nagkaroon ng mga panaginip. Ang kanyang espiritu ay nabagabag, at hindi na siya makatulog. Nang magkagayo'y ipinag-utos ng hari na tawagin ang mga salamangkero, mga engkantador, mga manghuhula, at ang mga Caldeo, upang sabihin sa hari ang kanyang mga panaginip. Kaya sila'y dumating at humarap sa hari. At sinabi ng hari sa kanila, "Ako'y nanaginip at ang aking espiritu ay nabagabag sa pagnanais na maunawaan ang panaginip." Nang magkagayo'y sinabi ng mga Caldeo sa hari sa wikang Aramaico, "O hari, mabuhay ka magpakailanman. Sabihin mo sa iyong mga lingkod ang panaginip, at aming ipapaliwanag ang kahulugan." Sinagot ng hari ang mga Caldeo, "Tiyak ang salita mula sa akin: kapag hindi ninyo naipaalam sa akin ang panaginip at ang kahulugan nito, kayo'y pagpuputul-putulin, at ang inyong mga bahay ay gagawing bunton ng dumi. Ngunit kung inyong ipapaalam ang panaginip at ang kahulugan nito, kayo'y tatanggap sa akin ng mga kaloob, mga gantimpala at dakilang karangalan. Kaya't ipaalam ninyo sa akin ang panaginip at ang kahulugan nito." Sila'y sumagot sa ikalawang pagkakataon, at nagsabi, "Sabihin ng hari sa kanyang mga lingkod ang panaginip, at aming ipapaliwanag ang kahulugan." Ang hari ay sumagot, "Nakakatiyak ako na sinisikap ninyong magkaroon pa ng dagdag na panahon, sapagkat inyong nalalaman na ang aking salita ay tiyak, na kung hindi ninyo ipaalam sa akin ang panaginip, may iisang kautusan lamang para sa inyo. Sapagkat kayo'y nagkasundong magsalita ng kasinungalingan at masasamang salita sa harapan ko hanggang sa ang panahon ay magbago. Kaya't sabihin ninyo sa akin ang panaginip, at malalaman ko kung inyong maipapaliwanag sa akin ang kahulugan nito." Ang mga Caldeo ay sumagot sa hari, at nagsabi, "Walang tao sa lupa na makapagbibigay ng hinihingi ng hari; sapagkat walang gayong kadakilang hari at makapangyarihang hari ang nagtanong ng ganyang bagay sa kaninumang salamangkero, engkantador, o Caldeo. At ang bagay na hinihingi ng hari ay napakahirap at walang makakapagpakita nito sa hari, maliban sa mga diyos, na ang tahanan ay hindi kasama ng mga tao." Dahil sa bagay na ito ang hari ay nagalit at naging mabagsik at iniutos na patayin ang lahat ng pantas ng Babilonia. Kaya't ang utos ay kumalat na ang mga pantas ay papatayin; at hinanap nila si Daniel at ang kanyang mga kasama upang patayin sila. Nang magkagayo'y maingat at mahinahong sumagot si Daniel kay Arioc na punong kawal ng bantay ng hari, na lumabas upang patayin ang mga pantas ng Babilonia. Sinabi niya kay Arioc na punong kawal ng hari, "Bakit madalian ang utos ng hari?" Ipinaliwanag ni Arioc ang pangyayari kay Daniel. Kaya't si Daniel ay pumasok at humiling sa hari na bigyan siya ng panahon, upang kanyang maipaalam sa hari ang kahulugan. Pumasok si Daniel sa kanyang bahay at ipinaalam ang pangyayari kina Hananias, Mishael, at Azarias na kanyang mga kaibigan. Kanyang sinabihan sila na humingi ng awa sa Diyos ng kalangitan tungkol sa hiwagang ito, upang si Daniel at ang kanyang mga kaibigan ay huwag mamatay na kasama ng ibang mga pantas ng Babilonia. At ang hiwaga ay inihayag kay Daniel sa isang pangitain sa gabi. Nang magkagayo'y pinuri ni Daniel ang Diyos sa langit. Sinabi ni Daniel: "Purihin ang pangalan ng Diyos magpakailanman, sapagkat sa kanya ang karunungan at kapangyarihan. Siya ang nagbabago ng mga panahon at mga kapanahunan; siya'y nag-aaiis ng mga hari, at naglalagay ng mga hari; siya'y nagbibigay ng karunungan sa marunong at ng kaalaman sa may pang-unawa; siya ang naghahayag ng malalalim at mahihiwagang bagay; kanyang nalalaman kung ano ang nasa kadiliman, at ang liwanag ay naninirahan sa kanya. Sa iyo, O Diyos ng aking mga ninuno, ako'y nagpapasalamat at nagpupuri, sapagkat binigyan mo ako ng karunungan at kapangyarihan, at ipinaalam mo sa akin ang aming hinihiling sa iyo; sapagkat iyong ipinaalam sa amin ang nangyari sa hari." Kaya't pinuntahan ni Daniel si Arioc na siyang hinirang ng hari upang patayin ang mga pantas ng Babilonia at sinabi sa kanya ang ganito, "Huwag mong patayin ang mga pantas ng Babilonia; dalhin mo ako sa harapan ng hari, at aking ipapaalam sa hari ang kahulugan." Nang magkagayo'y nagmamadaling dinala ni Arioc si Daniel sa harapan ng hari, at sinabi ang ganito sa kanya, "Ako'y nakatagpo sa mga bihag mula sa Juda ng isang lalaking makapagsasabi ng kahulugan sa hari." Sinabi ng hari kay Daniel na ang pangalan ay Belteshasar, "Kaya mo bang ipaalam sa akin ang panaginip na aking nakita, at ang kahulugan nito?" Si Daniel ay sumagot sa hari, "Walang pantas, mga engkantador, o mga salamangkero man ang makapagpapakita sa hari ng hiwaga na hiningi ng hari. Ngunit may isang Diyos sa langit na naghahayag ng mga hiwaga, at kanyang ipinaalam sa Haring Nebukadnezar kung ano ang mangyayari sa mga huling araw. Ang iyong panaginip at pangitain habang ikaw ay nakahiga sa higaan ay ang mga ito: Tungkol sa iyo, O hari, habang ikaw ay nasa iyong higaan ay bumaling ang iyong mga pag-iisip kung ano ang mangyayari sa hinaharap; at siya na naghahayag ng mga hiwaga ay ipinaalam sa iyo kung ano ang mangyayari. Ngunit tungkol sa akin, ang hiwagang ito ay hindi ipinahayag sa akin dahil sa anumang higit na karunungan mayroon ako kaysa sinumang may buhay, kundi upang ang kahulugan ay maipaalam sa hari, at upang iyong maunawaan ang mga nilalaman ng iyong isipan. "Ikaw ay nakamasid, O hari, at nakakita ka ng isang malaking rebulto. Ang rebultong ito, makapangyarihan at lubhang makinang, ay tumayo sa harapan mo, at ang anyo nito'y kakilakilabot. Ang ulo ng rebultong ito ay dalisay na ginto; ang dibdib at mga bisig nito ay pilak, ang tiyan at mga hita nito ay tanso. Ang mga binti nito ay bakal, ang mga paa nito ay may bahaging bakal at may bahaging luwad. Patuloy kang tumitingin hanggang sa may natibag na isang bato, hindi sa pamamagitan ng mga kamay, at ito'y tumama sa rebulto sa mga paa nitong bakal at luwad, at dinurog ang mga ito. Nang magkagayon, ang bakal, ang luwad, ang tanso, ang pilak, at ang ginto ay nagkadurug-durog, at naging parang dayami sa mga giikan sa tag-araw. At ang mga ito ay tinangay ng hangin anupa't hindi matagpuan ang anumang bakas ng mga iyon. Ngunit ang bato na tumama sa rebulto ay naging malaking bundok at pinuno ang buong lupa. "Ito ang panaginip; ngayo'y aming sasabihin sa hari ang kahulugan nito. Ikaw, O hari, ay hari ng mga hari, na binigyan ng Diyos sa langit ng kaharian, kapangyarihan, kalakasan, at ng kaluwalhatian; at saanman naninirahan ang mga anak ng mga tao, o ang mga hayop sa parang, o ang mga ibon sa himpapawid ay ibinigay niya ang mga ito sa iyong kamay, at pinamuno ka sa kanilang lahat. Ikaw ang ulong ginto. Pagkatapos mo ay babangon ang ibang kaharian na mas mababa kaysa iyo; at mayroon pang ikatlong kahariang tanso na mamumuno sa buong lupa. At magkakaroon ng ikaapat na kaharian, kasintibay ng bakal, sapagkat ang bakal ay nakakadurog at nakakawasak ng lahat ng bagay; at gaya ng bakal na nakakadurog, kanyang dudurugin at babasagin ang lahat ng ito. Kung paanong iyong nakita na ang mga paa at mga daliri ay may bahaging luwad ng magpapalayok at may bahaging bakal, ito ay magiging kahariang hati; ngunit ang pagiging matigas ng bakal ay tataglayin nito, yamang iyong nakita na ang bakal ay nakahalo sa luwad. Kung paanong ang mga daliri ng paa ay bakal ang isang bahagi at ang isang bahagi ay luwad, ang kaharian ay may bahaging matibay at may bahaging marupok. Kung paanong iyong nakita na ang bakal ay nahahaluan ng luwad, pagsasamahin nila ang kanilang mga sarili sa binhi ng mga tao, ngunit hindi sila magkakahalo, kung paanong ang bakal ay hindi humahalo sa luwad. At sa mga araw ng mga haring iyon ang Diyos sa langit ay magtatatag ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman, o ang kapangyarihan man nito'y iiwan sa ibang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang iyon, at ito'y mananatili magpakailanman. Kung paanong iyong nakita na ang isang bato ay natibag mula sa bundok, hindi sa pamamagitan ng kamay at dinurog ang mga bakal, ang tanso, ang luwad, ang pilak, at ang ginto, ipinaalam ng dakilang Diyos sa hari kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Ang panaginip ay totoo at ang kahulugan nito'y mapagkakatiwalaan." Nang magkagayo'y nagpatirapa si Haring Nebukadnezar at nagbigay-galang kay Daniel, at nag-utos na sila'y maghandog ng alay at ng insenso sa kanya. Sumagot ang hari kay Daniel at nagsabi, "Tunay na ang inyong Diyos ay Diyos ng mga diyos, at Panginoon ng mga hari, at tagapaghayag ng mga hiwaga, yamang naipahayag mo ang hiwagang ito." Nang magkagayo'y binigyan ng hari si Daniel ng mataas na karangalan at ng maraming malalaking kaloob, at kanyang ginawa siyang tagapamahala sa buong lalawigan ng Babilonia at punong tagapamahala ng lahat ng pantas sa Babilonia. At si Daniel ay humiling sa hari, at kanyang hinirang sina Shadrac, Meshac, at Abednego, upang mamahala sa mga gawain sa lalawigan ng Babilonia; ngunit si Daniel ay namalagi sa bulwagan ng hari. Ang haring si Nebukadnezar ay gumawa ng isang rebultong ginto na ang taas ay siyamnapung talampakan, at ang lapad ay siyam na talampakan. Itinayo niya ito sa kapatagan ng Dura, sa lalawigan ng Babilonia. At nagsugo si Haring Nebukadnezar upang tipunin ang mga tagapangasiwa ng lalawigan, mga kinatawan, mga gobernador, mga ingat-yaman, mga tagapayo, mga hukom, at ang lahat ng mga pinuno ng mga lalawigan upang pumunta sa pagtatalaga ng rebultong itinayo ng haring si Nebukadnezar. At nagtipon ang mga tagapangasiwa ng lalawigan, mga kinatawan, mga gobernador, mga hukom, ang mga ingat-yaman, mga tagapayo, mga pinuno at lahat ng pinuno ng mga lalawigan sa pagtatalaga ng rebultong itinayo ng haring si Nebukadnezar. Sila'y tumayo sa harapan ng rebultong itinayo ni Nebukadnezar. At malakas na ipinahayag ng tagapagbalita, "Sa inyo'y ipinag-uutos, O mga bayan, mga bansa, at mga wika, na kapag inyong narinig ang tunog ng tambuli, plauta, alpa, sambuko, salterio, tambol at ng iba pang mga panugtog, kayo'y magpapatirapa at sasamba sa rebultong ginto na ipinatayo ng haring si Nebukadnezar. Sinumang hindi magpatirapa at sumamba ay kaagad na ihahagis sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy." Kaya't sa oras na iyon, nang marinig ng lahat ng mga bayan ang tunog ng tambuli, plauta, alpa, sambuko, salterio, at ng iba pang mga panugtog, ang lahat ng bayan, mga bansa, at mga wika, ay nagpatirapa at nagsisamba sa rebultong ginto na itinayo ng haring si Nebukadnezar. Kaya't nang panahong iyon ay nagsilapit ang ilang Caldeo, at nagbigay ng mga paratang laban sa mga Judio. Sila'y sumagot at sinabi sa haring si Nebukadnezar, "O hari, mabuhay ka magpakailanman! Ikaw, O hari, ay gumawa ng utos na bawat taong makarinig sa tunog ng tambuli, plauta, alpa, sambuko, salterio, tambol, at ng iba pang mga panugtog, ay magpapatirapa at sasamba sa rebultong ginto. At sinumang hindi magpatirapa at sumamba ay ihahagis sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy. May ilang mga Judio na iyong itinalaga sa pamamahala sa lalawigan ng Babilonia na sina Shadrac, Meshac, at Abednego. O hari, ang mga lalaking ito ay hindi nakinig sa iyo. Sila'y hindi naglilingkod sa iyong mga diyos, ni nagsisisamba man sa rebultong ginto na iyong itinayo." Kaya't sa poot at galit ay ipinag-utos ni Nebukadnezar na dalhin sa kanya sina Shadrac, Meshac, at Abednego. Dinala nga nila ang mga lalaking ito sa harapan ng hari. Sumagot si Nebukadnezar at sinabi sa kanila, "O Shadrac, Meshac, at Abednego, totoo ba na kayo'y hindi naglilingkod sa aking diyos, ni nagsisisamba man sa rebultong ginto na aking itinayo? Mabuti kung kayo'y handa ngayon na magpatirapa at sumamba sa rebultong ginawa ko sa sandaling inyong marinig ang tunog ng tambuli, plauta, alpa, sambuko, salterio, tambol, at ng iba pang mga panugtog. Ngunit kapag kayo'y hindi sasamba, kayo'y kaagad na ihahagis sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy; at sinong diyos ang magliligtas sa inyo sa aking mga kamay?" Sina Shadrac, Meshac, at Abednego ay sumagot sa hari, "O Nebukadnezar, hindi namin kailangang sagutin ka sa bagay na ito. Kung mangyayari na ang aming Diyos na pinaglilingkuran namin ay makapagliligtas sa amin sa hurno ng nagniningas na apoy; ay hayaang iligtas niya kami sa iyong kamay, O hari. Ngunit kung sakali mang hindi, dapat mong malaman, O hari, na hindi kami maglilingkod sa iyong mga diyos, ni sasamba man sa rebultong ginto na iyong ipinatayo." Kaya't napuno ng galit si Nebukadnezar, at ang anyo ng kanyang mukha ay nagbago laban kina Shadrac, Meshac, at Abednego. Siya'y nagsalita at iniutos na painitin ang hurno ng pitong ulit na higit kaysa dating init nito. Kanyang inutusan ang ilang magigiting na mandirigma mula sa kanyang hukbo na gapusin sina Shadrac, Meshac, at Abednego, at sila'y ihagis sa hurno ng nagniningas na apoy. Ang mga lalaking ito'y tinalian na may mga suot, may tunika, at may balabal, at may ibang mga kasuotan, at sila'y inihagis sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy. Sapagkat ang utos ng hari ay pangmadalian at ang hurno ay lubhang pinainit, pinatay ng liyab ng apoy ang mga lalaking bumuhat kina Shadrac, Meshac, at Abednego. Ngunit ang tatlong lalaking ito, sina Shadrac, Meshac, at Abednego, ay bumagsak na nakagapos sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy. Kaya't ang haring si Nebukadnezar ay nagtaka at nagmamadaling tumindig. Sinabi niya sa kanyang mga tagapayo, "Di ba tatlong nakagapos na lalaki ang ating inihagis sa apoy?" Sila'y sumagot sa hari, 'Totoo, O hari." Siya'y sumagot, "Tingnan ninyo, ang nakikita ko'y apat na lalaki na hindi nakagapos na naglalakad sa gitna ng apoy at sila'y walang paso at ang anyo ng ikaapat ay gaya ng isang anak ng mga diyos." Nang magkagayo'y lumapit si Nebukadnezar sa pintuan ng hurno ng nagniningas na apoy at sinabi, "Shadrac, Meshac, at Abednego, mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos, lumabas kayo at pumarito kayo!" Kaya't sina Shadrac, Meshac, at Abednego ay lumabas mula sa kalagitnaan ng apoy. At ang mga tagapangasiwa ng lalawigan, mga kinatawan, mga gobernador, at ang mga tagapayo ng hari ay nagtipun-tipon at nakita na ang apoy ay hindi nagkaroon ng anumang kapangyarihan sa katawan ng mga lalaking ito. Ang mga buhok ng kanilang mga ulo ay hindi nadarang, ni nasunog man ang kanilang mga suot, ni nag-amoy apoy man sila. Nagsalita si Nebukadnezar at sinabi, "Purihin ang Diyos nina Shadrac, Meshac, at Abednego, na nagsugo ng kanyang anghel at nagligtas sa kanyang mga lingkod na nagtiwala sa kanya. Kanilang sinuway ang utos ng hari, at isinuko ang kanilang mga katawan kaysa maglingkod o sumamba sa sinumang diyos maliban sa kanilang sariling Diyos. Kaya't ako'y nag-uutos na ang bawat bayan, bansa, at wika, na magsalita ng anumang masama laban sa Diyos nina Shadrac, Meshac, at Abednego, ay pagpuputul-putulin, at ang kanilang mga bahay ay gagawing bunton ng basura, sapagkat walang ibang diyos na makapagliligtas sa ganitong paraan." Nang magkagayo'y, itinaas ng hari sa katungkulan sina Shadrac, Meshac, at Abednego sa lalawigan ng Babilonia. Si Nebukadnezar na hari, sa lahat ng bayan, mga bansa, at wika na naninirahan sa buong lupa: Nawa'y sumagana sa inyo ang kapayapaan! Inaakala kong mabuting ipahayag ang mga tanda at mga kababalaghang ginawa para sa akin ng Kataas-taasang Diyos. Napakadakila ng kanyang mga tanda! at makapangyarihan ang kanyang mga kababalaghan! Ang kanyang kaharian ay walang hanggang kaharian, at ang kanyang kapangyarihan ay mula sa salinlahi hanggang sa salinlahi. Akong si Nebukadnezar ay nagpapahinga sa aking bahay, at namumuhay nang sagana sa aking palasyo. Ako'y nakakita ng isang panaginip na tumakot sa akin; habang ako'y nakahiga sa aking higaan, ang mga guni-guni at mga pangitain ay bumagabag sa akin. Kaya't ipinag-utos ko na iharap sa akin ang lahat ng pantas sa Babilonia, upang kanilang ipaalam sa akin ang kahulugan ng panaginip. Nang magkagayo'y dumating ang mga salamangkero, mga engkantador, mga Caldeo, at ang mga manghuhula, at isinalaysay ko sa kanila ang panaginip, ngunit hindi nila maipaalam sa akin ang kahulugan nito. Ngunit sa wakas dumating sa harap ko si Daniel, na ang pangala'y Belteshasar, ayon sa pangalan ng aking diyos, at siyang kinaroroonan ng espiritu ng mga banal na diyos at isinalaysay ko sa kanya ang panaginip: O Belteshasar, na puno ng mga salamangkero, sapagkat nalalaman ko na ang espiritu ng mga banal na diyos ay nasa iyo, at walang hiwagang napakahirap para sa iyo, narito ang panaginip na aking nakita, sabihin mo sa akin ang kahulugan nito. Ngayon ay ganito ang mga pangitain sa aking pag-iisip habang ako'y nasa higaan: Ako'y nakatingin, at narito, may isang punungkahoy sa gitna ng lupa, at ito'y napakataas. Ang punungkahoy ay lumaki, at naging matibay, at ang tuktok nito'y umabot hanggang sa langit, at ito'y natatanaw hanggang sa dulo ng buong lupa. Ang mga dahon nito'y magaganda, at ang bunga nito'y marami, at doo'y may pagkain para sa lahat. Ang mga hayop sa parang ay may lilim sa ilalim nito, at ang mga ibon sa himpapawid ay nagpupugad sa mga sanga nito, at ang lahat na tao ay pinakakain mula roon. "Aking nakita sa mga pangitain sa aking pag-iisip habang ako'y nakahiga sa aking higaan, at nakita ko ang isang bantay, isang banal ang bumaba mula sa langit. Siya'y sumigaw nang malakas at nagsabi ng ganito, 'Ibuwal ang punungkahoy at putulin ang kanyang mga sanga, lagasin ang mga dahon at ikalat ang kanyang mga bunga; paalisin ang mga hayop sa ilalim nito at ang mga ibon sa kanyang mga sanga. Gayunma'y inyong iwan ang tuod ng kanyang mga ugat sa lupa, na gapos ng bakal at tanso sa gitna ng murang damo sa parang. Hayaan siyang mabasa ng hamog ng langit, hayaan siyang makasama ng mga hayop sa damo ng lupa. Hayaang ang kanyang isipan na pusong tao ay mapalitan at puso ng hayop ang ibigay sa kanya; at hayaang ang pitong mga panahon ay lumipas sa kanya. Ang hatol na ito ay sa pamamagitan ng utos ng mga bantay, ang pasiya ay sa pamamagitan ng salita ng mga banal; upang malaman ng mga may buhay na ang Kataas-taasan ay namumuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay niya ito sa kaninumang kanyang naisin, at pinamumuno niya rito ang pinakamababa sa mga tao.' Akong si Haring Nebukadnezar ay nakakita ng panaginip na ito. At ngayon ikaw, O Belteshasar, ipahayag mo ang kahulugan, sapagkat lahat ng pantas sa aking kaharian ay hindi makapagpahayag sa akin ng kahulugan, ngunit magagawa mo sapagkat ang espiritu ng mga banal na diyos ay nasa iyo." Nang magkagayon, si Daniel na tinatawag na Belteshasar ay sandaling nabagabag at ikinatakot niya ang nasa kanyang isipan. Sinabi ng hari, "Belteshasar, huwag kang mabagabag dahil sa panaginip, o sa kahulugan." Si Belteshasar ay sumagot, "Aking panginoon, ang panaginip nawa ay para sa napopoot sa iyo, at ang kahulugan nito'y mangyari nawa sa iyong mga kaaway! Ang punungkahoy na iyong nakita na tumubo at naging matibay, na ang taas ay umabot sa langit, at ito'y natatanaw sa buong lupa; na ang mga daho'y magaganda, at ang bunga nito'y marami, at naging pagkain para sa lahat; na sa lilim nito ay tumitira ang mga hayop sa parang, at sa kanyang mga sanga'y dumadapo ang mga ibon sa himpapawid — ikaw iyon, O hari, na naging napakalaki at matibay. Ang iyong kadakilaan ay lumaki at umaabot hanggang sa langit, at ang iyong kapangyarihan ay hanggang sa dulo ng lupa. At yamang nakita ng hari ang isang bantay at isang banal na bumababa mula sa langit, at nagsasabi, 'Ibuwal ninyo ang punungkahoy at inyong wasakin, ngunit itira ninyo ang tuod ng mga ugat nito sa lupa na gapos ng bakal at tanso, sa sariwang damo sa parang. Bayaang mabasa siya ng hamog ng langit, at makasama siya ng mga hayop sa parang, hanggang sa ang pitong panahon ay lumipas sa kanya'— ito ang kahulugan, O hari, at ito ay utos ng Kataas-taasan na sumapit sa aking panginoong hari: Ikaw ay palalayasin mula sa mga tao, at ang iyong tahanan ay kasama ng mga hayop sa parang. Ikaw ay pakakainin ng damo na gaya ng mga baka, at mababasa ka ng hamog ng langit. Pitong panahon ang lilipas sa iyo hanggang sa iyong malaman na ang Kataas-taasan ay namumuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay ito sa sinumang maibigan niya. Kung paanong iniutos na iwan ang tuod ng mga ugat ng kahoy; ang iyong kaharian ay magiging tiyak para sa iyo, mula sa panahon na iyong malaman na ang Langit ang namumuno. Kaya't, O hari, tanggapin mo nawa ang aking payo: putulin mo na ang iyong mga kasalanan sa pamamagitan ng paggawa ng katuwiran, at ang iyong mga kasamaan sa pamamagitan ng pagpapakita ng kaawaan sa naaapi, upang humaba pa ang iyong kasaganaan." Lahat ng ito'y nangyari sa haring si Nebukadnezar. Sa katapusan ng labindalawang buwan, siya ay lumalakad sa bubungan ng palasyo ng hari ng Babilonia. Nagsalita ang hari at sinabi, "Hindi ba ito ang dakilang Babilonia na aking itinayo sa pamamagitan ng lakas ng aking kapangyarihan bilang tahanan ng hari at para sa kaluwalhatian ng aking kadakilaan?" Samantalang ang mga salita ay nasa bibig pa ng hari, may isang tinig na nanggaling sa langit, "O Haring Nebukadnezar, sa iyo'y ipinahahayag: Ang kaharian ay umalis na sa iyo! Ikaw ay palalayasin sa mga tao, at ang iyong tirahan ay kasama ng mga hayop sa parang. Ikaw ay pakakainin ng damo na gaya ng mga baka at pitong panahon ang daraan sa iyo, hanggang sa iyong kilalanin na ang Kataas-taasan ay namumuno sa kaharian ng mga tao, at ibinibigay niya ito sa sinumang kanyang naisin." Kaagad natupad ang salita tungkol kay Nebukadnezar. Siya'y pinalayas mula sa mga tao at kumain ng damo na gaya ng mga baka. Ang kanyang katawan ay nabasa ng hamog ng langit, hanggang sa ang kanyang buhok ay lumago na kasinghaba ng balahibo ng mga agila, at ang kanyang mga kuko ay gaya ng sa mga ibon. At sa katapusan ng panahong iyon, akong si Nebukadnezar ay nataas ng aking paningin sa langit, at ang aking katinuan ay nanumbalik sa akin. Aking pinuri ang Kataas-taasan, at aking pinuri at pinarangalan siya na nabubuhay magpakailanman. Sapagkat ang kanyang kapangyarihan ay walang hanggang kapangyarihan, at ang kanyang kaharian ay nananatili sa sali't salinlahi. Ang lahat ng naninirahan sa lupa ay ibinibilang na wala; at kanyang ginagawa ang ayon sa kanyang kalooban sa hukbo ng langit, at sa mga nananahan sa lupa. Walang makakahadlang sa kanyang kamay, o makapagsasabi sa kanya, "Anong ginagawa mo?" Sa oras na iyon ay nanumbalik sa akin ang aking katinuan, at ang aking kadakilaan at kamahalan ay ibinalik sa akin para sa kaluwalhatian ng aking kaharian. Hinanap ako ng aking mga tagapayo at mga maharlikang tao; at ako'y muling inilagay sa aking kaharian, at higit pang kadakilaan ang naparagdag sa akin. Ngayon akong si Nebukadnezar ay nagpupuri, at nagbubunyi, at nagpaparangal sa Hari ng langit; sapagkat ang lahat niyang gawa ay katotohanan, at ang kanyang mga pamamaraan ay makatarungan; at kaya niyang ibaba ang mga lumalakad na may kapalaluan. Ang haring si Belshasar ay nagdaos ng malaking handaan sa isang libo niyang mga maharlika, at uminom siya ng alak sa harapan ng isang libo. Nang matikman ni Haring Belshasar ang alak, ipinag-utos niya na dalhin doon ang mga sisidlang ginto at pilak na kinuha ni Nebukadnezar na kanyang ama sa templo na nasa Jerusalem, upang mainuman ng hari, ng kanyang mga maharlika, ng kanyang mga asawa, at ng kanyang mga asawang-lingkod. Kaya't dinala nila ang mga sisidlang ginto at pilak na inilabas sa templo, na bahay ng Diyos na nasa Jerusalem. Ang mga ito ay ininuman ng hari, ng kanyang mga maharlika, ng kanyang mga asawa, at ng kanyang mga asawang-lingkod. Sila'y nag-inuman ng alak, at nagpuri sa mga diyos na ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy, at bato. Nang oras ding iyon ay may lumitaw na mga daliri ng kamay ng tao at sumulat sa palitada ng pader ng palasyo ng hari, sa tapat ng ilawan at nakita ng hari ang bahagi ng kamay nang ito ay sumusulat. Nang magkagayo'y namutla ang mukha ng hari, at binagabag siya ng kanyang mga pag-iisip. Ang pagkakasugpong ng kanyang mga balakang ay halos nakalag, at ang kanyang mga tuhod ay nagkaumpugan. Ang hari ay sumigaw nang malakas upang papasukin ang mga engkantador, mga Caldeo, at mga manghuhula. Ang hari ay nagsalita sa mga pantas ng Babilonia, "Sinumang makakabasa ng sulat na ito, at makapagpaliwanag sa akin ng kahulugan nito ay susuotan ng kulay ube, magkakaroon ng kuwintas na ginto sa palibot ng kanyang leeg, at magiging ikatlong pinuno sa kaharian." Nang magkagayo'y pumasok ang lahat ng pantas ng hari, ngunit hindi nila mabasa ang sulat, o maipaliwanag man sa hari ang kahulugan nito. Kaya't lubhang nabagabag si Haring Belshasar, at ang kanyang kulay ay nabago, at ang kanyang mga maharlika ay nalito. Ang reyna, dahil sa mga salita ng hari at ng kanyang mga maharlika, ay pumasok sa bulwagang pinagdarausan ng kasayahan. Nagsalita ang reyna at sinabi, "O hari, mabuhay ka magpakailanman! Huwag kang bagabagin ng iyong mga pag-iisip, o mamutla man ang iyong mukha. May isang lalaki sa iyong kaharian na may espiritu ng mga banal na diyos. Sa mga araw ng iyong ama, natagpuan sa kanya ang liwanag, pagkaunawa, at karunungan, na gaya ng karunungan ng mga diyos. Ginawa siya ni Haring Nebukadnezar, na iyong ama, bilang puno ng mga salamangkero, mga engkantador, mga Caldeo, at ng mga manghuhula, palibhasa'y isang di-pangkaraniwang espiritu, kaalaman, at pagkaunawa na makapagpaliwanag ng mga panaginip at mga bugtong, at paglutas ng mga suliranin ang natagpuan sa Daniel na iyon, na pinangalanan ng hari na Belteshasar. Ipatawag si Daniel, at kanyang ihahayag ang kahulugan." Nang magkagayo'y dinala si Daniel sa harapan ng hari. Sinabi ng hari kay Daniel, "Ikaw ba si Daniel na isa sa mga bihag mula sa Juda, na kinuha sa Juda ng aking amang hari? Nabalitaan ko na ang espiritu ng mga banal na diyos ay nasa iyo, at ang liwanag at pagkaunawa at di-pangkaraniwang karunungan ay natagpuan sa iyo. Ang mga pantas at mga engkantador ay dinala sa harapan ko upang kanilang basahin ang sulat na ito, at ipaalam sa akin ang kahulugan nito, ngunit hindi nila maipaliwanag ang kahulugan nito. Ngunit nabalitaan ko na ikaw ay nakapagbibigay ng mga kahulugan at nakakalutas ng mga suliranin. Kung iyo ngang mababasa ang nakasulat, at maipaalam sa akin ang kahulugan, ikaw ay daramtan ng kulay ube. Magkakaroon ka ng kuwintas na ginto sa palibot ng iyong leeg, at ikaw ay magiging ikatlong puno sa kaharian." Nang magkagayo'y sumagot si Daniel sa harapan ng hari, "Iyo na ang iyong mga kaloob, o ibigay mo ang iyong mga gantimpala sa iba! Gayunma'y aking babasahin sa hari ang nakasulat at ipapaalam ko sa kanya ang kahulugan. O hari, ang Kataas-taasang Diyos ay nagbigay kay Nebukadnezar na iyong ama ng kaharian, kadakilaan, kaluwalhatian, at kamahalan. Dahil sa kadakilaang ibinigay niya sa kanya, nanginig at natakot sa harapan niya ang lahat ng mga bayan, mga bansa, at wika. Ang ibig niyang patayin ay kanyang pinapatay, at ang ibig niyang buhayin ay kanyang hinahayaang mabuhay. Ang ibig niyang itaas ay kanyang itinataas, at ang ibig niyang ibaba ay kanyang ibinababa. Ngunit nang ang kanyang puso ay magpakataas, at ang kanyang espiritu ay magmatigas at siya'y nag-asal na may kapalaluan, siya'y pinatalsik sa kanyang trono ng pagkahari, at ang kanyang kaluwalhatian ay inalis sa kanya. Siya'y pinalayas mula sa mga anak ng mga tao, at ang kanyang puso ay naging gaya ng sa hayop, at ang kanyang tahanan ay kasama ng maiilap na mga asno. Siya'y pinakain ng damo na gaya ng mga baka, at ang kanyang katawan ay nabasa ng hamog ng langit; hanggang sa kanyang kilalanin na ang Kataas-taasang Diyos ay naghahari sa kaharian ng mga tao, at iniluluklok niya roon ang sinumang kanyang maibigan. Ngunit ikaw na kanyang anak, O Belshasar, ay hindi mo pinapagkumbaba ang iyong puso, bagaman iyong nalalaman ang lahat ng ito! Itinaas mo ang iyong sarili laban sa Panginoon ng langit! Kanilang dinala ang mga sisidlan ng kanyang bahay sa harapan mo, at ikaw, at ang iyong mga maharlika, ang iyong mga asawa at ang iyong mga asawang-lingkod, ay uminom ng alak mula sa mga iyon. Pinuri mo ang mga diyos na pilak, ginto, tanso, bakal, kahoy at bato, na hindi nakakakita, nakakarinig, o nakakaalam man. Ngunit ang Diyos na may hawak sa iyong paghinga, at sa kanya ang lahat mong mga lakad, ay hindi mo niluwalhati. Kaya't mula sa kanyang harapan ay sinugo niya ang kamay, at ang sulat na ito'y iniukit. At ito ang sulat na iniukit: MENE, MENE, TEKEL, UPHARSIN. Ito ang kahulugan ng bagay: MENE; binilang na ng Diyos ang mga araw ng iyong kaharian, at ito ay winakasan. TEKEL; ikaw ay tinimbang sa timbangan at natuklasang kulang. PERES;'' ang iyong kaharian ay hinati at ibinigay sa mga taga-Media at taga-Persia." Nang magkagayo'y nag-utos si Belshasar, at dinamitan nila si Daniel ng kulay ube, at kuwintas na ginto ang inilagay sa palibot ng leeg niya. Gumawa siya ng pahayag tungkol sa kanya, na siya'y dapat maging ikatlong pinuno sa kaharian. Nang gabing iyon ay napatay si Belshasar na hari ng mga Caldeo. At tinanggap ni Dario na taga-Media ang kaharian, siya noo'y halos animnapu't dalawang taong gulang. Minabuti ni Dario na magtalaga sa kaharian ng isandaan at dalawampung satrap, na mamamahala sa buong kaharian. Ang namumuno sa kanila'y tatlong pangulo, na isa sa kanila ay si Daniel. Ang mga tagapamahalang ito ay magbibigay-sulit sa kanila upang ang hari ay huwag malagay sa panganib. Hindi nagtagal, si Daniel ay nangibabaw sa lahat ng ibang mga pangulo at sa mga satrap, sapagkat taglay niya ang isang di-pangkaraniwang espiritu; at pinanukala ng hari na italaga siya upang mamuno sa buong kaharian. Nang magkagayo'y sinikap ng mga pangulo at ng mga tagapamahala na makakita ng batayan upang makapagsumbong laban kay Daniel tungkol sa kaharian. Ngunit hindi sila makakita ng anumang batayan upang makapagsumbong o anumang pagkukulang sapagkat tapat siya, at walang kamalian ni pagkukulang na natagpuan sa kanya. Nang magkagayo'y sinabi ng mga lalaking ito, "Hindi tayo makakatagpo ng anumang batayan na maisusumbong laban sa Daniel na ito, malibang ito'y ating matagpuan na may kinalaman sa kautusan ng kanyang Diyos." Kaya't ang mga pangulo at mga tagapamahalang ito ay dumating na magkakasama sa hari, at sinabi sa kanya, "O Haring Dario, mabuhay ka magpakailanman! Lahat ng mga pangulo ng kaharian, mga kinatawan, mga tagapamahala, mga tagapayo, at ang mga gobernador, ay nagkasundo na ang hari ay dapat gumawa ng isang batas at magpatupad ng isang pagbabawal, na sinumang manalangin sa sinumang diyos o tao sa loob ng tatlumpung araw, liban sa iyo, O hari ay ihahagis sa yungib ng mga leon. Ngayon, O hari, pagtibayin mo ang pagbabawal, at lagdaan mo ang kasulatan upang huwag mabago ayon sa batas ng mga taga-Media at mga taga-Persia na hindi maaaring pawalang-bisa." Kaya't nilagdaan ni Haring Dario ang kasulatan at ang pagbabawal. Nang malaman ni Daniel na ang kasulatan ay nalagdaan na, siya'y pumasok sa kanyang bahay na ang mga bintana ay bukas paharap sa Jerusalem. At siya'y nagpatuloy na lumuhod ng tatlong ulit sa loob ng isang araw, na nananalangin, at nagpapasalamat sa harap ng kanyang Diyos, gaya nang kanyang dating ginagawa. Nang magkagayo'y nagkakaisang dumating ang mga lalaking ito at natagpuan si Daniel na nananalangin at sumasamo sa kanyang Diyos. Kaya't lumapit sila at nagsalita sa harapan ng hari tungkol sa ipinagbabawal ng hari, "O hari! Hindi ba lumagda ka ng isang pagbabawal, na sinumang tao na humingi sa kanino mang diyos o tao sa loob ng tatlumpung araw, liban sa iyo, O hari, ay ihahagis sa yungib ng mga leon?" Ang hari ay sumagot, "Ang pagbabawal ay matatag, ayon sa batas ng mga taga-Media at mga taga-Persia, na hindi maaaring pawalang-bisa." Nang magkagayo'y sumagot sila sa hari, "Ang Daniel na iyon na isa sa mga bihag mula sa Juda ay hindi nakikinig sa iyo, O hari, maging ang pagbabawal man na iyong nilagdaan, kundi nananalangin ng tatlong ulit sa loob ng isang araw." Nang marinig ng hari ang mga salitang ito, siya ay lubhang nabahala. Ipinasiya niyang iligtas si Daniel, at hanggang sa paglubog ng araw ay kanyang pinagsikapang iligtas siya. At nagkakaisang dumating ang mga lalaking ito sa hari at sinabi sa kanya, "Alalahanin mo, O hari, na isang batas ng mga taga-Media at ng mga taga-Persia na walang pagbabawal o utos man na pinagtibay ng hari ang maaaring baguhin." Nang magkagayo'y nag-utos ang hari, at dinala si Daniel at inihagis sa yungib ng mga leon. Nagsalita ang hari at sinabi kay Daniel, "Ang iyo nawang Diyos na patuloy mong pinaglilingkuran ang siyang magligtas sa iyo!" Dinala ang isang bato at inilagay sa bunganga ng yungib, at tinatakan ng hari ng kanyang sariling pantatak at ng pantatak ng kanyang mga maharlika upang walang anumang bagay na mabago tungkol kay Daniel. Umuwi ang hari sa kanyang palasyo, at pinalipas ang buong magdamag na nag-aayuno. Walang libangang dinala sa kanya at ayaw siyang dalawin ng antok. Nang mag-uumaga na, ang hari ay bumangon at nagmamadaling pumunta sa yungib ng mga leon. Nang siya'y mapalapit sa yungib na kinaroroonan ni Daniel, siya'y sumigaw na may pagdadalamhati at sinabi kay Daniel, "O Daniel, lingkod ng buhay na Diyos, ang iyo bang Diyos na patuloy mong pinaglilingkuran ay nakapagligtas sa iyo sa mga leon?" Sinabi naman ni Daniel sa hari, "O hari, mabuhay ka magpakailanman! Isinugo ng aking Diyos ang kanyang anghel, at itinikom ang mga bibig ng mga leon. Hindi nila ako sinaktan sapagkat ako'y natagpuang walang sala sa harap niya at gayundin sa harapan mo. O hari, wala akong ginawang kasalanan." Nang magkagayo'y tuwang-tuwa ang hari, at ipinag-utos na kanilang iahon si Daniel mula sa yungib. Kaya't iniahon si Daniel mula sa yungib, at walang anumang sugat na natagpuan sa kanya sapagkat siya'y nagtiwala sa kanyang Diyos. Ang hari ay nag-utos, at ang mga lalaking nagparatang kay Daniel ay kanilang hinuli at sila'y inihagis sa yungib ng mga leon—sila, ang kanilang mga anak, at ang kanilang mga asawa. Hindi pa man sila umaabot sa ibaba ng yungib, ang mga leon ay nanaig sa kanila, at pinagputul-putol ang lahat nilang mga buto. Nang magkagayo'y sumulat ang haring si Dario sa lahat ng mga bayan, bansa, at wika na naninirahan sa buong lupa: "Kapayapaa'y sumagana sa inyo. Ako'y nag-uutos na sa lahat ng sakop ng aking kaharian, ang mga tao ay dapat manginig at matakot sa Diyos ni Daniel: Sapagkat siya ang buhay na Diyos, at nananatili magpakailanman. Ang kanyang kaharian ay hindi mawawasak, at ang kanyang kapangyarihan ay walang katapusan. Siya'y nagliligtas at nagpapalaya, siya'y gumagawa ng mga tanda at mga kababalaghan sa langit at sa lupa, sapagkat iniligtas niya si Daniel mula sa kapangyarihan ng mga leon." Kaya't ang Daniel na ito ay umunlad sa panahon ng paghahari ni Dario, at sa paghahari ni Ciro na taga-Persia. Nang unang taon ni Belshasar na hari sa Babilonia, si Daniel ay nanaginip at nagkaroon ng mga pangitain habang nakahiga sa kanyang higaan. At kanyang isinulat ang panaginip, at isinalaysay ang kabuuan nito. Sinabi ni Daniel, "Nakita ko sa aking pangitain sa gabi at narito, ang apat na hangin ng langit na humihihip sa malaking dagat, at apat na malalaking halimaw na magkakaiba ang umahon mula sa dagat. Ang una'y gaya ng leon at may mga pakpak ng agila. Habang aking minamasdan, ang mga pakpak nito'y nahugot, at ito'y nataas mula sa lupa, at pinatayo sa dalawang paa na gaya ng isang tao; at binigyan din ito ng isip ng tao. Lumitaw ang isa pang halimaw, ang ikalawa, na gaya ng isang oso. Ito ay nakataas sa isang tagiliran, may tatlong tadyang sa kanyang bibig sa pagitan ng kanyang mga ngipin; at sinabi rito, 'Bumangon ka, lumamon ka ng maraming laman.' Pagkatapos nito'y tumingin ako at may isa pang gaya ng leopardo na may apat na pakpak ng ibon sa likod nito. Ang halimaw ay mayroong apat na ulo; at binigyan siya ng kapangyarihan. Pagkatapos nito'y nakita ko sa pangitain sa gabi ang ikaapat na halimaw na kakilakilabot, nakakatakot, at napakalakas. Ito'y may malaking ngiping bakal; ito'y nananakmal at lumuluray, at niyurakan ng kanyang mga paa ang nalabi. Ito ay kaiba sa lahat ng halimaw na una sa kanya, at siya'y may sampung sungay. Habang tinitingnan kong mabuti ang mga sungay, narito, lumitaw sa gitna ng mga iyon ang isa pang munting sungay, at sa harap nito ay tatlo sa mga unang sungay ang nabunot sa mga ugat. Narito, sa sungay na ito ay may mga mata na gaya ng mata ng tao, at isang bibig na nagsasalita ng mga kapalaluan. Habang ako'y nakatingin, may mga tronong inilagay, at ang Matanda sa mga Araw ay umupo. Ang kanyang kasuotan ay kasimputi ng niyebe, at ang buhok ng kanyang ulo ay gaya ng purong lana. Ang kanyang trono ay naglalagablab sa apoy, at ang mga gulong nito ay nagniningas na apoy. May dumaloy na isang ilog ng apoy at lumabas mula sa harapan niya, libu-libo ang naglilingkod sa kanya, at laksa-laksa ang nakatayo sa harapan niya. Ang hukuman ay humanda para sa paghuhukom, at ang mga aklat ay nabuksan. Ako'y tumingin dahil sa ingay ng mga palalong salita na sinasabi ng sungay. Nagpatuloy akong tumingin hanggang ang halimaw ay napatay, at ang kanyang katawan ay winasak, at ibinigay upang sunugin ng apoy. At tungkol sa iba pang mga halimaw, ang kanilang kapangyarihan ay inalis, ngunit ang kanilang mga buhay ay pinahaba pa ng isang kapanahunan at isang panahon. Patuloy akong nakakita sa pangitain sa gabi, at narito, ang isang gaya ng Anak ng tao na dumarating kasama ng mga ulap. At siya'y lumapit sa Matanda sa mga Araw, at iniharap sa kanya. Binigyan siya ng kapangyarihan, kaluwalhatian, at kaharian, upang ang lahat ng mga bayan, bansa, at mga wika ay maglingkod sa kanya. Ang kanyang kapangyarihan ay walang hanggang kapangyarihan na hindi lilipas, at ang kanyang kaharian ay hindi mawawasak. "Tungkol sa akin, akong si Daniel, ang aking espiritu ay nabalisa sa loob ko, at binagabag ako ng aking mga pangitain sa aking pag-iisip. Ako'y lumapit sa isa sa kanila na nakatayo roon at itinanong ko sa kanya ang katotohanan tungkol sa lahat ng ito. Kaya't sinabi niya at ipinaalam sa akin ang kahulugan ng mga bagay. Ang apat na malaking halimaw na ito ay apat na hari na lilitaw mula sa lupa. Ngunit tatanggapin ng mga banal ng Kataas-taasan ang kaharian, at aangkinin ang kaharian magpakailan kailanpaman. Pagkatapos ay ninais kong malaman ang katotohanan tungkol sa ikaapat na halimaw na kaiba sa lahat, na totoong kakilakilabot, na ang mga ngipin ay bakal at ang mga kuko ay tanso; na nananakmal, lumuluray, at niyuyurakan ng kanyang mga paa ang nalabi; at tungkol sa sampung sungay na nasa kanyang ulo, at ang isa pang sungay na sumibol, na sa harapan nito'y nabuwal ang tatlo, ang sungay na may mga mata, at bibig na nagsasalitang may kapalaluan, na ang anyo ay parang higit na makapangyarihan kaysa kanyang mga kasama. Habang ako'y nakatingin, ang sungay na ito ay nakipagdigma sa mga banal, at nagtagumpay laban sa kanila, hanggang sa ang Matanda sa mga Araw ay dumating. At ang paghatol ay ibinigay para sa mga banal ng Kataas-taasan, at ang panaho'y dumating na tinanggap ng mga banal ang kaharian. "Ganito ang kanyang sinabi: 'Ang ikaapat na halimaw ay magiging ikaapat na kaharian sa ibabaw ng lupa, na magiging kaiba sa lahat ng kaharian, at sasakmalin nito ang buong lupa, yuyurakan ito at pagluluray-lurayin. Tungkol sa sampung sungay, mula sa kahariang ito ay babangon ang sampung hari, at may isa pang babangong kasunod nila. Siya'y magiging kaiba kaysa mga nauna, at kanyang ibabagsak ang tatlong hari. At siya'y magsasalita laban sa Kataas-taasan, at lilipulin niya ang mga banal ng Kataas-taasan; at kanyang iisiping baguhin ang mga panahon at ang kautusan; at sila'y ibibigay sa kanyang kamay hanggang sa isang panahon, mga panahon at kalahati ng isang panahon. Pagkatapos nito, ang hukuman ay uupo sa paghatol, at ang kanyang kapangyarihan ay aalisin, upang mapuksa at ganap na mawasak. At ang kaharian, ang kapangyarihan, at ang kadakilaan ng mga kaharian sa silong ng buong langit, ay ibibigay sa bayan ng mga banal ng Kataas-taasan. Ang kanyang kaharian ay magiging walang hanggang kaharian, at ang lahat ng kapangyarihan ay maglilingkod at susunod sa kanya.' "Dito nagwakas ang pahayag. Tungkol sa akin, akong si Daniel, ay lubhang binabagabag ng aking pag-iisip, at ang aking mukha ay namutla; ngunit iningatan ko ang bagay na ito sa aking isipan." Nang ikatlong taon ng paghahari ng haring si Belshasar, akong si Daniel ay nakakita ng isang pangitain pagkatapos ng unang pangitaing nakita ko. Ako'y tumingin sa pangitain, at habang ako'y tumitingin, ako'y nasa palasyo sa Susa na nasa lalawigan ng Elam, at ako'y nasa tabi ng ilog Ulai. At itiningin ko ang aking mga mata, at aking nakita ang isang lalaking tupa na nakatayo sa pampang ng ilog. Ito ay may dalawang sungay, at ang dalawang sungay ay kapwa mahaba, ngunit ang isa'y higit na mahaba kaysa isa, at ang higit na mahaba ay huling lumitaw. Aking nakita ang lalaking tupa na sumasalakay sa dakong kanluran, hilaga, at timog. Walang hayop na makatagal sa harapan niya, at walang sinumang makapagliligtas mula sa kanyang kapangyarihan. Kanyang ginawa ang ayon sa kanyang nais at itinaas ang kanyang sarili. Habang aking pinapanood, narito, lumitaw ang isang lalaking kambing mula sa kanluran na tumatawid sa ibabaw ng buong lupa, at hindi sumasayad sa lupa. Ang lalaking kambing ay may lantad na sungay sa pagitan ng kanyang mga mata. Ito'y dumaluhong sa lalaking tupa na may dalawang sungay na aking nakitang nakatayo sa pampang ng ilog, at kanyang sinalakay ito na may matinding poot. Nakita ko itong lumalapit sa lalaking tupa, at ito'y napoot sa kanya at sinaktan ang tupa at binali ang kanyang dalawang sungay. Ang lalaking tupa ay walang kapangyarihang makatagal sa harapan nito. Ibinuwal nito sa lupa ang lalaking tupa at niyapakan ito, at walang sinumang makapagligtas sa lalaking tupa mula sa kapangyarihan nito. At lubhang itinaas ng lalaking kambing ang kanyang sarili, ngunit nang siya'y lumakas, ang malaking sungay ay nabali. Sa lugar nito'y lumitaw ang apat na lantad na mga sungay, paharap sa apat na hangin ng langit. Mula sa isa sa mga iyon ay lumitaw ang isang maliit na sungay na lubhang naging makapangyarihan sa dakong timog, sa dakong silangan at sa maluwalhating lupain. Ito ay lumaki nang lumaki, hanggang sa ang hukbo sa langit at ang ilan sa mga hukbo at mga bituin ay ibinagsak nito sa lupa at niyapakan ang mga iyon. Nagpalalo pa ito laban sa Pinuno ng hukbo; ang patuloy na handog na sinusunog ay pinahinto nito at ang lugar ng kanyang santuwaryo ay ibinagsak. Dahil sa paglabag, ang hukbo ay ibinigay sa kanya kasama ng patuloy na handog na sinusunog. Ibinagsak nito ang katotohanan sa lupa, at ang sungay ay patuloy na nagtagumpay sa ginagawa nito. Pagkatapos nito, narinig kong nagsasalita ang isang banal, at sinabi ng isa pang banal sa nagsalita, "Hanggang kailan magtatagal ang pangitaing ito tungkol sa patuloy na handog na sinusunog, ang pagsuway na sumisira, at ang pagsusuko sa santuwaryo at sa hukbo upang mayapakan ng paa?" At sinabi niya sa akin, "Hanggang sa dalawang libo at tatlong daang hapon at umaga; pagkatapos ay malilinis ang santuwaryo." Nang ako, si Daniel, ay makakita sa pangitain, pinagsikapan ko itong maunawaan. At narito, nakatayo sa harapan ko ang isang kawangis ng tao. Narinig ko ang tinig ng isang tao sa may pampang ng Ulai, at ito'y tumawag at nagsabi, "Gabriel, ipaunawa mo sa taong ito ang pangitain." Sa gayo'y lumapit siya sa kinatatayuan ko; at nang siya'y lumapit, ako'y natakot at napasubsob. Ngunit sinabi niya sa akin, "Unawain mo, O anak ng tao, na ang pangitain ay para sa panahon ng wakas." Samantalang siya'y nagsasalita sa akin, ako'y nakatulog nang mahimbing na ang mukha ay nakasubsob sa lupa. At hinipo niya ako at itinayo. Sinabi niya, "Narito, ipapaalam ko sa iyo kung ano ang mangyayari sa huling panahon ng pagkagalit; sapagkat ito'y tungkol sa takdang panahon ng wakas. Ang lalaking tupa na iyong nakita na may dalawang sungay ay ang mga hari ng Media at Persia. Ang lalaking kambing na may magaspang na balahibo ay ang hari ng Grecia, at ang malaking sungay na nasa pagitan ng kanyang mga mata ay ang unang hari. Ang sungay na nabali, sa dakong tinayuan ng apat, ay ang apat na kaharian na babangon mula sa kanyang bansa, ngunit hindi sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Sa pagtatapos ng kanilang paghahari, kapag ang mga paglabag ay umabot sa kanilang ganap na sukat, isang hari na may mabagsik na pagmumukha ang babangon na nakakaunawa ng mga palaisipan. Ang kanyang kapangyarihan ay magiging malakas, ngunit hindi sa pamamagitan ng kanyang sariling kapangyarihan; at siya'y gagawa ng nakakatakot na pagwasak, at siya'y magtatagumpay at gagawin ang kanyang maibigan. Pupuksain niya ang mga makapangyarihan at ang banal na bayan. Sa pamamagitan ng kanyang katusuhan ay kanyang pauunlarin ang pandaraya sa ilalim ng kanyang kamay; at sa kanyang sariling isipan ay itataas niya ang kanyang sarili. Walang babalang papatayin niya ang marami; siya'y tatayo rin laban sa Pinuno ng mga pinuno; ngunit siya'y mawawasak, hindi sa pamamagitan ng kamay ng tao. Ang pangitain tungkol sa mga hapon at mga umaga na isinalaysay ay totoo; ngunit ilihim mo ang pangitain, sapagkat ito'y tungkol sa maraming mga araw mula ngayon." At akong si Daniel ay nanghina, at nagkasakit ng ilang araw. Pagkatapos ay bumangon ako, at ginawa ko ang mga gawain ng hari. Ngunit ako'y pinapanlumo ng pangitain, at walang makapagpaliwanag nito. Nang unang taon ni Dario na anak ni Ahasuerus, mula sa lahi ng Media, na naging hari sa kaharian ng mga taga-Caldea — nang unang taon ng kanyang paghahari, akong si Daniel ay nakaunawa mula sa mga aklat ng bilang ng mga taon, ayon sa salita ng PANGINOON kay propeta Jeremias, na dapat lumipas bago magwakas ang pagkasira ng Jerusalem, ito ay pitumpung taon. Kaya ako'y bumaling sa Panginoong Diyos at hinanap siya sa pamamagitan ng panalangin at daing na may pag-aayuno, may damit-sako at mga abo. Ako'y nanalangin sa PANGINOON kong Diyos, at nagpahayag ng kasalanan na sinasabi, "O Panginoon, Diyos na dakila at kakilakilabot, na nag-iingat ng tipan at tapat na pag-ibig sa umiibig sa iyo at nag-iingat ng iyong mga utos. Kami ay nagkasala, gumawa ng pagkakamali, kumilos na may kasamaan, naghimagsik at tumalikod sa iyong mga utos at mga batas. Ni hindi kami nakinig sa iyong mga lingkod na mga propeta, na nagsalita sa iyong pangalan sa aming mga hari, mga pinuno, mga ninuno, at sa lahat ng mga tao ng lupain. O Panginoon, ang katuwiran ay sa iyo, ngunit sa amin ay hayag na kahihiyan hanggang sa araw na ito, sa mga tao ng Juda, sa mga naninirahan sa Jerusalem, sa buong Israel, sa mga nasa malapit at nasa malayo sa lahat ng lupain na iyong pinagtabuyan sa kanila dahil sa kataksilang ginawa nila laban sa iyo. O Panginoon, hayag na kahihiyan ang dumating sa amin, sa aming mga hari, mga pinuno, at mga ninuno, sapagkat kami ay nagkasala laban sa iyo. Sa Panginoon naming Diyos nagmumula ang habag at kapatawaran; sapagkat kami ay naghimagsik laban sa kanya. Ni hindi namin sinunod ang tinig ng PANGINOON naming Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa kanyang mga kautusan na kanyang inilagay sa harapan namin sa pamamagitan ng kanyang lingkod na mga propeta. Tunay na ang buong Israel ay sumuway sa iyong kautusan at tumalikod, na hindi nakinig sa iyong tinig. At ang sumpa na nakasulat sa kautusan ni Moises na lingkod ng Diyos ay ibinuhos sa amin, sapagkat kami ay nagkasala laban sa kanya. Sa gayo'y kanyang pinagtibay ang kanyang mga salita na kanyang sinalita laban sa amin, at laban sa aming mga pinuno na namuno sa amin, sa pamamagitan ng pagdadala sa amin ng malaking kapahamakan; sapagkat sa silong ng buong langit ay hindi pa nagagawa ang gaya ng ginawa sa Jerusalem. Gaya ng nasusulat sa kautusan ni Moises, lahat ng kapahamakang ito'y dumating sa amin, gayunma'y hindi namin hiniling ang lingap ng PANGINOON naming Diyos, at hindi namin tinalikuran ang aming mga kasamaan at pinakinggan ang iyong katotohanan. Kaya't inihanda ng PANGINOON ang kapahamakan, at ibinagsak sa amin; sapagkat ang PANGINOON naming Diyos ay matuwid sa lahat ng kanyang mga gawa na kanyang ginagawa, ngunit hindi namin tinupad ang kanyang tinig. At ngayon, O Panginoon naming Diyos na naglabas ng iyong bayan mula sa lupain ng Ehipto sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay, at pinatanyag mo ang iyong pangalan hanggang sa araw na ito; kami ay nagkasala, kami ay gumawa ng kasamaan. O Panginoon, ayon sa lahat mong matuwid na mga gawa, ilayo mo nawa ang iyong galit at poot sa Jerusalem na iyong lunsod, ang iyong banal na bundok; sapagkat dahil sa aming mga kasalanan, at dahil sa mga kasamaan ng aming mga ninuno, ang Jerusalem at ang iyong sambayanan ay naging kahiyahiya sa lahat ng nasa palibot namin. Kaya't ngayon, O aming Diyos, pakinggan mo ang panalangin at mga pagsamo ng iyong lingkod, alang-alang sa iyo, O Panginoon, at paliwanagin mo ang iyong mukha sa iyong wasak na santuwaryo. O Diyos ko, ikiling mo ang iyong tainga, at ikaw ay makinig. Ibukas mo ang iyong mga mata, at masdan mo ang aming mga pagkawasak, at ang lunsod na tinatawag sa iyong pangalan; sapagkat hindi namin inihaharap ang aming mga pagsamo sa harapan mo dahil sa aming mga katuwiran, kundi dahil sa iyong dakilang awa. O Panginoon, makinig ka; O Panginoon, magpatawad ka; O Panginoon, makinig ka at kumilos ka! Alang-alang sa iyong sarili, O aking Diyos, huwag mong ipagpaliban sapagkat ang iyong lunsod at ang iyong sambayanan ay tinatawag sa iyong pangalan." Samantalang ako'y nagsasalita at nananalangin, at nagpapahayag ng aking kasalanan at ng kasalanan ng aking bayang Israel, at naghaharap ng aking samo sa harapan ng PANGINOON kong Diyos alang-alang sa banal na bundok ng aking Diyos; samantalang ako'y nagsasalita sa panalangin, ang lalaking si Gabriel, na aking nakita sa pangitain nang una, ay dumating sa akin sa mabilis na paglipad, sa panahon ng pag-aalay sa hapon. Ako'y kanyang tinuruan at nakipag-usap sa akin at sinabi, "O Daniel, ako'y lumabas ngayon upang bigyan ka ng karunungan at pagkaunawa. Sa pasimula ng iyong mga samo ay lumabas ang salita, at ako'y naparito upang sabihin sa iyo; sapagkat ikaw ay lubhang minamahal. Kaya't isaalang-alang mo ang salita at unawain ang pangitain: "Pitumpung sanlinggo ang itinakda para sa iyong bayan at sa iyong banal na lunsod: upang tapusin ang pagsuway, wakasan ang pagkakasala, gumawa ng pagtubos para sa kasamaan, dalhan ng walang hanggang katuwiran, tatakan ang pangitain at ang propesiya, at upang buhusan ng langis ang kabanal-banalan. Kaya't iyong alamin at unawain, na mula sa paglabas ng utos na panumbalikin at muling itayo ang Jerusalem hanggang sa pagdating ng Mesiyas, na pinuno, ay pitong sanlinggo at animnapu't dalawang sanlinggo. Ito'y muling itatayo na may lansangan at kuta, samakatuwid ay sa mga panahon ng kaguluhan. Pagkalipas ng animnapu't dalawang sanlinggo, ang Mesiyas ay mahihiwalay at mawawalan, at ang bayan ng pinunong darating ang wawasak sa lunsod at sa santuwaryo. Ang wakas nito ay sa pamamagitan ng baha, at hanggang sa katapusan ay magkakaroon ng digmaan. Ang pagkasira ay itinakda na. At siya'y gagawa ng isang matibay na tipan sa marami sa loob ng isang linggo, at sa kalagitnaan ng sanlinggo ay kanyang patitigilin ang handog at ang alay; at sa pakpak ng mga kasuklamsuklam ay darating ang isang mangwawasak, hanggang sa ang iniutos na wakas ay maibuhos sa mangwawasak." Nang ikatlong taon ni Ciro na hari ng Persia, nahayag ang isang salita kay Daniel, na ang pangala'y Belteshasar. Ang salita ay totoo, at iyon ay tungkol sa isang malaking paglalaban. At kanyang naunawaan ang salita at naunawaan ang pangitain. Nang mga araw na iyon, akong si Daniel ay nagluluksa sa loob ng buong tatlong sanlinggo. Hindi ako kumain ng masarap na pagkain, ni pumasok man ang karne, ni alak sa aking bibig, ni nagpahid man ako ng langis sa loob ng buong tatlong sanlinggo. Nang ikadalawampu't apat na araw ng unang buwan, habang ako'y nasa pampang ng malaking ilog na Hiddekel, aking itiningin ang aking paningin at tumanaw, at nakita ko ang isang lalaki na may suot ng telang lino, na ang mga balakang ay binigkisan ng ginto ng Uphaz. Ang kanyang katawan ay gaya ng berilo, ang kanyang mukha ay gaya ng anyo ng kidlat, ang kanyang mga mata ay gaya ng nagliliyab na sulo, ang kanyang mga kamay at mga paa ay gaya ng kislap ng pinakintab na tanso, at ang tunog ng kanyang mga salita ay gaya ng ingay ng napakaraming tao. Akong si Daniel lamang ang nakakita sa pangitaing iyon; hindi nakita ng mga lalaking kasama ko ang pangitain, gayunma'y dumating sa kanila ang isang matinding takot, at sila'y tumakas upang magkubli. Kaya't iniwan akong nag-iisa, at nakita ko ang dakilang pangitaing ito. Walang lakas na naiwan sa akin, at ang aking kulay ay namutlang parang patay at walang nanatiling lakas sa akin, Ngunit narinig ko ang tunog ng kanyang mga salita; at nang aking marinig ang tunog ng kanyang mga salita, ang mukha ko'y napasubasob sa lupa sa isang mahimbing na pagkakatulog. Ngunit di nagtagal, narito, isang kamay ang humipo sa akin at ako'y itinayo na nanginginig ang aking mga kamay at mga tuhod. At sinabi niya sa akin, "O Daniel, ikaw na lalaking pinakamamahal, unawain mo ang mga salita na aking sasabihin sa iyo. Tumayo ka nang matuwid sapagkat sa iyo'y sinugo ako ngayon." Nang kanyang masabi ang salitang ito sa akin, ako'y tumayo na nanginginig. Pagkatapos ay sinabi niya sa akin, "Huwag kang matakot, Daniel, sapagkat mula nang unang araw na iyong ilagak ang iyong isipan sa pagkaunawa, at magpakababa sa iyong Diyos, ang iyong mga salita ay pinakinggan, at ako'y pumarito dahil sa iyong mga salita. Ngunit hinadlangan ako ng pinuno ng kaharian ng Persia sa loob ng dalawampu't isang araw. Kaya't si Miguel na isa sa mga punong prinsipe ay dumating upang tulungan ako. At ako'y naiwan doon kasama ng mga hari ng Persia. Pumarito ako upang ipaunawa sa iyo kung ano ang mangyayari sa iyong bayan sa mga huling araw. Sapagkat mayroon pang pangitain para sa mga araw na iyon." Samantalang kanyang sinasabi sa akin ang mga salitang ito, itinungo ko ang aking mukha sa lupa at ako'y napipi. At isang kahawig ng tao ang humipo sa aking mga labi. Ibinuka ko ang aking bibig at ako'y nagsalita. Sinabi ko sa kanya na nakatayo sa harapan ko, "O panginoon ko, dahil sa pangitain ay dumating sa akin ang mga paghihirap at nawalan ako ng lakas. Paanong makikipag-usap ang lingkod ng aking panginoon sa aking panginoon? Sapagkat sa ngayon, walang nananatiling lakas sa akin, at walang naiwang hininga sa akin." Muli akong hinipo ng isa na kahawig ng tao, at kanyang pinalakas ako. Kanyang sinabi, "O taong pinakamamahal, huwag kang matakot; kapayapaan ang sumaiyo. Magpakalakas ka at magpakatapang." Nang siya'y magsalita sa akin, ako'y lumakas at nagsabi, "Magsalita ang aking panginoon, sapagkat pinalakas mo ako." Nang magkagayo'y sinabi niya, "Alam mo ba kung bakit ako'y pumarito sa iyo? Ngayo'y babalik ako upang makipaglaban sa pinuno ng Persia. At kapag ako'y tapos na sa kanya, narito, ang pinuno ng Grecia ay darating. Ngunit sasabihin ko sa iyo ang nakasulat sa kasulatan ng katotohanan. Wala akong kasamang nakikipaglaban sa mga pinunong ito maliban kay Miguel na inyong pinuno. Tungkol sa akin, nang unang taon ni Dario na taga-Media, ako'y tumayo upang patibayin at palakasin siya. "At ngayo'y ipapaalam ko sa iyo ang katotohanan. Tatlo pang mga hari ang lilitaw sa Persia; at ang ikaapat ay magiging higit na mayaman kaysa kanilang lahat. Kapag siya'y lumakas sa pamamagitan ng kanyang mga kayamanan, kanyang kikilusin ang lahat laban sa kaharian ng Grecia. At isang makapangyarihang hari ang lilitaw at mamumuno na may malaking kapangyarihan, at gagawa ng ayon sa kanyang nais. Habang nagiging makapangyarihan, magigiba ang kanyang kaharian at mahahati sa apat na hangin ng langit, ngunit hindi sa kanyang mga anak, ni ayon man sa kanyang kapangyarihan na kanyang ipinamuno; sapagkat ang kanyang kaharian ay mabubunot at mapupunta sa iba bukod sa mga ito. "Ang hari ng timog ay magiging malakas, ngunit ang isa sa kanyang mga pinuno ay magiging higit na malakas kaysa kanya, at siya ay maghahari sa isang kahariang higit na makapangyarihan kaysa kanyang sariling kaharian. Pagkatapos ng ilang mga taon sila'y magsasanib, at ang anak na babae ng hari sa timog ay pupunta sa hari sa hilaga upang makipagkasundo. Ngunit hindi niya mapapanatili ang lakas ng kanyang bisig; o siya ma'y tatayo, o ang bisig man niya; kundi siya'y mabibigay, at yaong mga nagdala sa kanya, at ang nanganak sa kanya, at ang nagpalakas sa kanya sa mga panahong yaon. "Ngunit may isang sanga mula sa kanyang mga ugat ang hahalili sa kanya. Siya'y darating laban sa hukbo, at papasok sa kuta ng hari ng hilaga, at kanyang haharapin sila at magtatagumpay. Dadalhin din niya sa Ehipto bilang samsam ng digmaan ang kanilang mga diyos pati ang kanilang mga larawang hinulma at ang kanilang mahahalagang sisidlang pilak at ginto. Sa loob ng ilang taon ay iiwasan niyang salakayin ang hari ng hilaga. At sasalakayin ng huli ang kaharian ng hari sa timog, ngunit siya'y babalik sa kanyang sariling lupain. 'Ang kanyang mga anak ay makikipagdigma at titipunin ang isang malaking hukbo, na sasalakay na gaya ng baha at makakaraan, at ipagpapatuloy ang pakikidigma hanggang sa kanyang kuta. Dahil sa galit, ang hari sa timog ay lalabas at makikipaglaban sa hari ng hilaga at kanyang ihahanda ang napakaraming tao, gayunma'y magagapi ng kanyang kamay. Kapag ang napakaraming tao ay natangay na, ang kanyang puso ay magpapalalo; at kanyang ibubuwal ang sampung libu-libo, ngunit hindi siya magtatagumpay. Sapagkat ang hari sa hilaga ay muling maghahanda ng maraming tao na higit na malaki kaysa una. Pagkalipas ng ilang taon, siya'y darating na may malaking hukbo at maraming panustos. "Sa mga panahong iyon ay maraming babangon laban sa hari ng timog. Ang mga taong mararahas sa iyong bayan ay maninindigan sa sarili upang ganapin ang pangitain; ngunit sila'y mabibigo. Sa gayo'y darating ang hari sa hilaga, at sasalakay at masasakop ang isang bayan na nakukutaang mabuti. Ang hukbo ng timog ay hindi makakatagal ni ang kanyang piling pangkat, sapagkat walang lakas upang makatagal. Ngunit siya na dumarating laban sa kanya ay gagawa ayon sa kanyang sariling kalooban, at walang makakahadlang sa kanya. Siya'y tatayo sa maluwalhating lupain, na nasa kanyang kamay ang pagwasak. Kanyang itutuon ang kanyang isipan na mapalakas ang kanyang buong kaharian, at siya'y magdadala ng mga alok ng pakikipagkasundo at gagawin ang mga iyon. Ibibigay niya sa kanya ang anak na babae upang maging asawa, ngunit ito'y hindi tatayo para sa kanya o kakampi man sa kanya. Pagkatapos nito'y haharapin niya ang mga lupain sa baybay-dagat, at sasakupin ang marami sa kanila. Ngunit isang pinuno ang magpapatigil sa kanyang kalapastanganan; tunay na kanyang ibabalik ang kanyang kalapastanganan sa kanya. Kung magkagayo'y haharapin niya ang mga kuta ng kanyang sariling lupain; ngunit siya'y matitisod at mabubuwal, at hindi na matatagpuan. "Kung magkagayo'y lilitaw na kapalit niya ang isa na magsusugo ng maniningil para sa kaluwalhatian ng kaharian; ngunit sa loob ng ilang araw ay mawawasak siya, hindi sa galit ni sa pakikipaglaban man. At kapalit niya ay lilitaw ang isang kasuklamsuklam na tao na hindi nabigyan ng karangalan ng kaharian. Ngunit siya'y darating na walang babala at kukunin ang kaharian sa pamamagitan ng pandaraya. Ang mga hukbo ay ganap na matatangay at mawawasak sa harapan niya, pati ang pinuno ng tipan. Pagkatapos na magawa ang pakikipagkasundo sa kanya, siya'y kikilos na may pandaraya, at siya'y magiging makapangyarihan kasama ng isang munting pangkat. Walang babalang darating siya sa pinakamayamang bahagi ng lalawigan; at kanyang gagawin ang hindi ginawa ng kanyang mga magulang o ng magulang ng kanyang mga magulang. Ibabahagi niya sa kanila ang samsam at kayamanan. Siya'y gagawa ng mga panukala laban sa mga kuta, ngunit sa isang panahon lamang. Kanyang kikilusin ang kanyang kapangyarihan at tapang laban sa hari ng timog na may malaking hukbo. At ang hari ng timog ay makikipagdigma sa isang napakalaki at makapangyarihang hukbo. Ngunit hindi siya magtatagumpay, sapagkat sila'y gagawa ng mga panukala laban sa kanya, sa pamamagitan ng mga taong kumakain ng pagkaing mula sa hari. Kanilang wawasakin siya, ang kanyang hukbo ay matatalo at marami ang mabubuwal na patay. Ang dalawang hari, na ang kanilang mga isipan ay nahumaling na sa kasamaan, ay uupo sa isang hapag at magpapalitan ng mga kasinungalingan. Ngunit hindi magtatagumpay, sapagkat ang wakas ay darating sa takdang panahon. Siya'y babalik sa kanyang lupain na may malaking kayamanan, ngunit ang kanyang puso ay magiging laban sa banal na tipan. Gagawin niya ang kanyang maibigan, at babalik sa kanyang sariling lupain. "Sa takdang panahon ay babalik siya at papasok sa timog, ngunit ito ay hindi magiging gaya ng una. Sapagkat ang mga barko ng Kittim ay darating laban sa kanya at siya'y matatakot at babalik. Siya'y mapopoot at kikilos laban sa banal na tipan. Siya'y babalik at bibigyan ng pansin ang mga tumalikod sa banal na tipan. Papasukin at lalapastanganin ng mga tauhang sinugo niya ang templo at kuta. Kanilang aalisin ang patuloy na handog na sinusunog. At kanilang ilalagay ang kasuklamsuklam ng pagkawasak. Kanyang aakitin na may labis na papuri ang mga sumuway sa tipan, ngunit ang bayan na nakakakilala ng kanilang Diyos ay magiging matibay at kikilos. Ang marurunong sa mga mamamayan ay magtuturo sa marami, gayunman, sa loob ng ilang panahon, sila'y magagapi sa pamamagitan ng tabak at apoy, at daranas ng pagkabihag at sasamsaman. Kapag sila'y nabuwal, sila'y tatanggap ng kaunting tulong, at marami ang sasama sa kanila na may pagkukunwari. Ang ilan sa mga pantas ay magdurusa, upang dalisayin, linisin, at paputiin hanggang sa panahon ng wakas; sapagkat hindi pa dumarating ang takdang panahon. "Ang hari ay kikilos ayon sa kanyang nais. Siya'y magmamalaki, at magpapakataas nang higit kaysa alinmang diyos, at magsasalita ng mga kagila-gilalas na bagay laban sa Diyos ng mga diyos. Siya'y uunlad hanggang sa ang poot ay maganap; sapagkat ang ipinasiya ay matutupad. Hindi niya igagalang ang mga diyos ng kanyang mga ninuno, o ang pagnanasa sa mga babae. Hindi niya igagalang ang sinumang diyos, sapagkat siya'y magmamalaki sa lahat. Sa halip, kanyang pararangalan ang diyos ng mga muog. Isang diyos na hindi nakilala ng kanyang mga ninuno ang kanyang pararangalan ng ginto at pilak, ng mahahalagang bato at ng mamahaling kaloob. Kanyang haharapin ang pinakamatibay na mga kuta sa tulong ng ibang diyos; sinumang kumilala sa kanya ay kanyang itataas na may karangalan. Kanyang gagawin silang mga puno ng marami at ipamamahagi ang lupa sa katumbas na halaga. "Sa panahon ng wakas ay sasalakayin siya ng hari ng timog, ngunit ang hari ng hilaga ay pupunta laban sa kanya na gaya ng isang ipu-ipo, may mga karwahe, mga mangangabayo, at may maraming mga barko. At siya'y sasalakay laban sa mga bansa at lalampas na gaya ng baha. Siya'y papasok sa maluwalhating lupain at marami ang mabubuwal ngunit maliligtas sa kanyang kapangyarihan ang Edom, Moab, at ang pangunahing bahagi ng mga anak ni Ammon. At kanyang iuunat ang kanyang kamay laban sa mga bansa; at ang lupain ng Ehipto ay hindi makakatakas. Siya'y magiging pinuno ng mga kayamanang ginto at pilak, at ng mahahalagang bagay ng Ehipto; at ang mga taga-Libya at ang mga taga-Etiopia ay susunod sa kanyang mga hakbang. Ngunit ang mga balita mula sa silangan at sa hilaga ay babagabag sa kanya; at siya'y lalabas na may malaking galit upang pumuksa at lumipol ng marami. Kanyang itatayo ang mga tolda ng kanyang palasyo sa pagitan ng dagat at ng maluwalhating banal na bundok. Gayunma'y darating siya sa kanyang wakas, at walang tutulong sa kanya. "Sa panahong iyon ay tatayo si Miguel, ang dakilang pinuno na tagapag-ingat ng iyong bayan. At magkakaroon ng panahon ng kaguluhan na hindi pa nangyari kailanman mula nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong iyon. Ngunit sa panahong iyon ay maliligtas ang iyong bayan, bawat isa na ang pangalan ay matatagpuang nakasulat sa aklat. Marami sa mga natutulog sa alabok ng lupa ay magigising, ang iba'y tungo sa buhay na walang hanggan, at ang iba'y tungo sa kahihiyan at sa walang hanggang paghamak. Ang mga pantas ay magniningning na tulad ng kaningningan ng langit; at ang mga nagpabalik ng marami sa katuwiran ay parang mga bituin magpakailanpaman. Ngunit ikaw, O Daniel, ilihim mo ang mga salita, at tatakan mo ang aklat hanggang sa panahon ng wakas. Marami ang tatakbo ng paroo't parito, at ang kaalaman ay lalago." At akong si Daniel ay tumingin, at narito, dalawang iba pa ang lumitaw, ang isa'y sa pampang na ito ng ilog, at ang isa'y sa kabilang pampang ng ilog. Sinabi ko sa lalaking nakasuot ng telang lino na nasa ibabaw ng tubig ng ilog, "Hanggang kailan ang wakas ng mga kababalaghang ito?" Ang lalaking nakasuot ng telang lino na nasa ibabaw ng tubig ng ilog ay nagtaas ng kanyang kanan at kaliwang kamay sa langit. Narinig ko siyang sumumpa sa pamamagitan niya na nabubuhay magpakailanman na iyon ay isang panahon, mga panahon, at kalahati ng isang panahon. At kapag ang pagwasak sa kapangyarihan ng banal na sambayanan ay magwakas na, ang lahat ng ito ay matatapos. Narinig ko, ngunit hindi ko naunawaan. Kaya't sinabi ko, "O panginoon ko, ano ang magiging wakas ng mga bagay na ito?" Sinabi niya, "Humayo ka sa iyong lakad, Daniel; sapagkat ang mga salita ay mananatiling lihim at natatakan hanggang sa panahon ng wakas. Marami ang dadalisayin, lilinisin, at papuputiin, ngunit ang masasama ay magpapatuloy sa paggawa ng kasamaan. Walang sinuman sa masasama ang makakaunawa; ngunit ang mga pantas ay makakaunawa. Mula sa panahon na ang patuloy na handog na sinusunog ay alisin, at maitayo ang kasuklam-suklam ng pagkawasak, ay isang libo't dalawandaan at siyamnapung araw. Mapalad ang naghihintay, at makaabot sa isang libo at tatlong daan at tatlumpu't limang araw. Ngunit humayo ka sa iyong lakad hanggang sa katapusan; at ikaw ay magpapahinga at tatayo para sa iyong gantimpala sa katapusan ng mga araw." Ang salita ng PANGINOON na dumating kay Hoseas na anak ni Beeri, sa mga araw nina Uzias, Jotam, Ahaz, at Hezekias, mga hari ng Juda, at sa kapanahunan ni Jeroboam na anak ni Joas, na hari ng Israel. Nangunangmagsalita ang PANGINOON sa pamamagitan ni Hoseas, sinabi ng PANGINOON kay Hoseas, "Humayo ka, mag-asawa ka ng isang bayarang babae at magkaroon ka ng mga anak sa bayarang babae, sapagkat ang lupain ay gumagawa ng malaking kahalayan dahil sa pagtalikod nila sa PANGINOON." Kaya't humayo siya, at kinuha niya si Gomer na anak ni Diblaim. At siya'y naglihi at nanganak sa kanya ng isang lalaki. Sinabi ng PANGINOON sa kanya, "Tawagin mo ang kanyang pangalan na Jezreel, sapagkat ilang sandali na lang at aking parurusahan ang sambahayan ni Jehu dahil sa dugo ni Jezreel, at aking tatapusin ang kaharian ng sambahayan ni Israel. Sa araw na iyon, aking babaliin ang busog ng Israel sa libis ng Jezreel." Siya'y muling naglihi, at nanganak ng isang babae. At sinabi ng PANGINOON sa kanya, 'Tawagin mo ang kanyang pangalan na Lo-ruhama; sapagkat hindi na ako mahahabag sa sambahayan ni Israel, ni patatawarin pa sila. Ngunit ako'y maaawa sa sambahayan ni Juda, at ililigtas ko sila sa pamamagitan ng PANGINOON nilang Diyos. Hindi ko sila ililigtas sa pamamagitan ng busog, o sa pamamagitan man ng tabak, o sa pamamagitan man ng digmaan, o sa pamamagitan man ng mga kabayo, o sa pamamagitan man ng mga mangangabayo." Nang maihiwalay niya sa pagsuso si Lo-ruhama, siya'y naglihi at nanganak ng isang lalaki. At sinabi ng PANGINOON, "Tawagin mo ang kanyang pangalan na Lo-ammi; sapagkat kayo'y hindi ko bayan, at ako'y hindi ninyo Diyos." Gayunma'y ang bilang ng mga anak ni Israel ay magiging parang buhangin sa dagat na hindi masusukat, o mabibilang man; at sa dakong sinabi sa kanila, "Kayo'y hindi aking bayan," ay sasabihin sa kanila, "Kayo'y mga anak ng Diyos na buhay." Ang mga anak ni Juda, at ang mga anak ni Israel ay magkakasama-sama at sila'y maghahalal sa kanilang sarili ng isang pinuno, at sila'y magsisisampa mula sa lupain; sapagkat magiging dakila ang araw ng Jezreel. Sabihin ninyo sa inyong mga kapatid na lalaki, Ammi; at sa inyong mga kapatid na babae, Ruhama. Makipagtalo kayo sa inyong ina, makipagtalo kayo; sapagkat siya'y hindi ko asawa, at ako ay hindi niya asawa; na alisin niya ang kanyang pagiging bayarang babae sa kanyang mukha, at ang kanyang pangangalunya sa pagitan ng kanyang mga suso. Kung hindi'y huhubaran ko siya, at ilalantad ko siya na gaya nang araw na siya'y ipanganak, at gagawin ko siyang parang isang ilang, at gagawin ko siyang parang isang tigang nalupa, at papatayin ko siya sa uhaw. Sa kanyang mga anak ay hindi rin ako mahahabag; sapagkat sila'y mga anak sa pagiging bayarang babae. Sapagkat ang kanilang ina ay bayarang babae; siya na naglihi sa kanila ay gumawa ng kahiyahiya. Sapagkat kanyang sinabi, "Ako'y susunod sa aking mga mangingibig; na nagbibigay sa akin ng aking tinapay at tubig, ng aking lana, lino, langis at ng inumin ko." Kaya't narito, babakuran ko ang kanyang daan ng mga tinik, at ako'y gagawa ng pader laban sa kanya upang hindi niya matagpuan ang kanyang mga landas. Hahabulin niya ang kanyang mga mangingibig ngunit sila'y hindi niya aabutan; at sila'y hahanapin niya, ngunit sila'y hindi niya matatagpuan. Kung magkagayo'y sasabihin niya, "Ako'y hahayo at babalik sa aking unang asawa; sapagkat mas mabuti ang kalagayan ko noon kaysa ngayon.' Sapagkat hindi niya nalaman na ako ang nagbigay sa kanya ng trigo, alak, at langis, at nagpasagana sa kanya ng pilak at ginto na kanilang ginamit para kay Baal. Kaya't aking babawiin ang aking trigo sa panahon ng pag-aani, at ang aking alak sa panahon niyon, at aking kukunin ang aking lana at ang aking lino na sana'y itatakip sa kanyang kahubaran. At ngayo'y aking ililitaw ang kanyang kahalayan sa paningin ng kanyang mga mangingibig at walang magliligtas sa kanya mula sa aking kamay. Wawakasan ko ang lahat niyang mga pagsasaya, ang kanyang mga kapistahan, ang kanyang mga bagong buwan, ang kanyang mga Sabbath, at lahat ng kanyang mga takdang pagpupulong. At aking wawasakin ang kanyang mga puno ng ubas, at ang kanyang mga puno ng igos, na siya niyang sinasabi, "Ang mga ito ang aking kabayaran na ibinigay sa akin ng aking mga mangingibig." At ang mga iyon ay aking gagawing isang gubat, at lalamunin ang mga ito ng hayop sa kaparangan. Aking parurusahan siya dahil sa mga araw ng mga Baal, nang pagsunugan niya ang mga ito ng insenso, at nang siya'y naggayak ng kanyang mga hikaw at mga hiyas, at sumunod sa kanyang mga mangingibig, at kinalimutan ako, sabi ng PANGINOON. Kaya't akin siyang aakitin, at dadalhin siya sa ilang, at malambing ko siyang kakausapin. At doon ko ibibigay sa kanya ang kanyang mga ubasan, at gagawin kong pintuan ng pag-asa ang Libis ng Acor. Siya'y aawit doon, gaya ng mga araw ng kanyang kabataan, at gaya ng araw nang siya'y umahon mula sa lupain ng Ehipto. Sa araw na iyon, sabi ng PANGINOON, tatawagin mo akong "Asawa ko;" at hindi mo na ako tatawaging, "Baal ko!" Sapagkat aking aalisin ang mga pangalan ng mga Baal sa kanyang bibig, at sila'y hindi na babanggitin pa sa pamamagitan ng kanilang pangalan. Sa araw na iyon ay igagawa kita ng pakikipagtipan sa mga hayop sa parang, at sa mga ibon sa himpapawid, at sa mga bagay na gumagapang sa lupa; at aking babaliin ang busog at ang tabak, at patitigilin ko ang digmaan sa lupain, at pahihigain kita nang tiwasay. At gagawin kitang asawa ko magpakailanman; gagawin kitang asawa ko sa katuwiran at sa katarungan, sa tapat na pag-ibig at sa kaawaan. Gagawin kitang asawa ko sa katapatan; at makikilala mo ang PANGINOON. Sa araw na iyon, ako'y sasagot, sabi ng PANGINOON, ako'y sasagot sa langit, at sila'y sasagot sa lupa; at ang lupa'y sasagot sa trigo, sa bagong alak, at sa langis; at sila'y sasagot sa Jezreel. At aking ihahasik siya para sa akin sa lupa; at ako'y mahahabag sa kanya na hindi nagtamo ng kahabagan. At aking sasabihin sa kanila na hindi ko bayan, "Ikaw ay aking bayan"; at siya'y magsasabi, "Ikaw ay aking Diyos." At sinabing muli ng PANGINOON sa akin, "Humayo ka uli, ibigin mo ang isang babae na minamahal ng kanyang asawa, bagama't isang mangangalunya, kung paanong iniibig ng PANGINOON ang mga anak ni Israel, bagaman sila'y bumaling sa ibang mga diyos, at gustong-gusto ang mga tinapay na may pasas." Sa gayo'y binili ko siya sa halagang labinlimang siklong pilak, isang omer na sebada, at ng isang takal na alak. At sinabi ko sa kanya, "Dapat kang manatiling akin sa loob ng maraming araw. Huwag kang maging bayarang babae, o pipisan sa ibang lalaki, at magiging gayon din ako sa iyo." Sapagkat ang mga anak ni Israel ay mananatili nang maraming araw na walang hari, at walang prinsipe, walang alay at walang haligi, walang efod o terafim. Pagkatapos ang mga anak ni Israel ay manunumbalik at hahanapin nila ang PANGINOON nilang Diyos at si David na kanilang hari. Darating silang may takot sa PANGINOON at sa kanyang kabutihan sa mga huling araw. Dinggin ninyo ang salita ng PANGINOON, o mga anak ni Israel; sapagkat ang PANGINOON ay may usapin laban sa mga naninirahan sa lupain. Sapagkat walang katapatan o kabaitan man, ni kaalaman tungkol sa Diyos sa lupain. Naroon ang panunumpa, pagsisinungaling, pagpatay, pagnanakaw, at pangangalunya; sila'y gumagawa ng karahasan, upang ang pagdanak ng dugo ay masundan ng pagdanak ng dugo. Kaya't ang lupain ay tumatangis, at lahat ng nakatira doon ay nanlulupaypay, kasama ng mga hayop sa parang at ng mga ibon sa himpapawid; pati ang mga isda sa dagat ay nangawala. Gayunma'y huwag makipaglaban ang sinuman, o magbintang man ang sinuman; sapagkat ang iyong bayan ay gaya ng mga nakikipagtalo sa pari. At ikaw ay matitisod sa araw, at ang propeta man ay matitisod na kasama mo sa gabi; at aking pupuksain ang iyong ina. Ang aking bayan ay nawawasak dahil sa kakulangan ng kaalaman; sapagkat itinakuwil mo ang kaalaman, itinatakuwil din kita bilang aking pari. At yamang iyong nilimot ang kautusan ng iyong Diyos, akin ding lilimutin ang iyong mga anak. Habang lalo silang dumarami, lalo silang nagkakasala laban sa akin; aking papalitan ng kahihiyan ang kanilang kaluwalhatian. Sila'y kumakain sa kasalanan ng aking bayan, at itinuon ang kanilang pagnanasa tungo sa kanilang kasamaan. At magiging kung paano ang taong-bayan, gayon ang pari. Parurusahan ko sila dahil sa kanilang mga lakad, at pagbabayarin ko sila sa kanilang mga gawa. Sila'y kakain, ngunit hindi mabubusog; sila'y magiging tulad sa bayarang babae,'' ngunit hindi dadami; sapagkat sila'y humintong makinig sa PANGINOON. Ang kahalayan, alak at bagong alak ay nag-aalis ng pang-unawa. Ang aking bayan ay sumasangguni sa bagay na yari sa kahoy, at ang kanilang tungkod ay nagpapahayag sa kanila. Sapagkat iniligaw sila ng espiritu ng pagiging bayarang babae, at sila'y tumalikod sa kanilang Diyos upang maging bayarang babae. Sila'y naghahandog ng mga alay sa mga tuktok ng mga bundok, at nagsusunog ng kamanyang, sa ilalim ng mga ensina at ng mga alamo at ng mga roble, sapagkat ang lilim ng mga iyon ay mabuti. Kaya't ang inyong mga anak na babae ay naging bayarang babae, at ang inyong mga manugang na babae ay nangangalunya. Hindi ko parurusahan ang inyong mga anak na babae kapag sila'y naging bayarang babae ni ang inyong mga manugang na babae kapag sila'y nangangalunya; sapagkat ang mga lalaki mismo ay humahayo kasama ng bayarang babae at sila'y naghahandog ng mga alay kasama ang mga bayarang babae sa templo. at ang bayang walang pang-unawa ay mawawasak. Bagaman ikaw, O Israel, ay naging bayarang babae, huwag hayaang magkasala ang Juda. Huwag kayong pumunta sa Gilgal, ni sumampa man sa Bet-hayen, at huwag kayong sumumpa, "Habang nabubuhay ang PANGINOON." Sapagkat ang Israel ay matigas ang ulo, gaya ng isang guyang babae na matigas ang ulo mapapakain ba ngayon sila ng PANGINOON tulad ng batang tupa sa isang malawak na pastulan? Ang Efraim ay nakisama sa mga diyus-diyosan; hayaan ninyo siya. Ang kanilang alak ay ubos, nagpatuloy sila sa pagiging bayarang babae, ang kanilang mga pinuno ay iniibig na mabuti ang kahihiyan. Tinangay sila ng hangin sa kanyang mga pakpak; at sila'y mapapahiya dahil sa kanilang mga handog. Pakinggan ninyo ito, O mga pari! Makinig kayo, O sambahayan ni Israel! Makinig kayo, O sambahayan ng hari! Sapagkat sa inyo nauukol ang kahatulan; sapagkat kayo'y naging isang silo sa Mizpah, at isang lambat na inilatag sa Tabor. Ang mga naghihimagsik ay napunta sa malalim na kapahamakan; ngunit parurusahan ko silang lahat. Kilala ko ang Efraim, at ang Israel ay hindi lingid sa akin; sapagkat ngayon, O Efraim, ikaw ay naging bayarang babae, ang Israel ay dinungisan ang sarili. Hindi sila pinahihintulutan ng kanilang mga gawa na manumbalik sa kanilang Diyos. Sapagkat ang espiritu ng pagiging bayarang babae ay nasa loob nila, at hindi nila nakikilala ang PANGINOON. Ang kapalaluan ng Israel ay nagpapatotoo laban sa kanya; kaya't ang Israel at Efraim ay natitisod sa kanilang pagkakasala; ang Juda'y natitisod ding kasama nila. Sila'y hahayong kasama ng kanilang kawan at ng kanilang bakahan upang hanapin ang PANGINOON; ngunit hindi nila siya matatagpuan; siya'y lumayo sa kanila. Sila'y naging taksil sa PANGINOON; sapagkat sila'y nagsilang ng mga anak sa labas. Lalamunin nga sila ng bagong buwan kasama ng kanilang mga parang. Hipan ninyo ang tambuli sa Gibea, at ang trumpeta sa Rama. Patunugin ang hudyat sa Bet-haven; tumingin ka sa likuran mo, O Benjamin. Ang Efraim ay mawawasak sa araw ng pagsaway; sa gitna ng mga lipi ng Israel ay ipinahahayag ko ang tiyak na mangyayari. Ang mga pinuno ng Juda ay naging gaya ng nag-aalis ng batong-pananda; sa kanila'y ibubuhos ko ang aking galit na parang tubig. Ang Efraim ay inaapi, dinudurog sa kahatulan; sapagkat siya'y nakapagpasiyang sumunod sa utos ng tao. Kaya't ako'y parang bukbok sa Efraim at parang kabulukan sa sambahayan ni Juda. Nang makita ni Efraim ang kanyang sakit, at ni Juda ang kanyang sugat, ay nagtungo si Efraim sa Asiria, at nagsugo sa Haring Jareb. Ngunit hindi niya kayo mapapagaling, ni malulunasan man ang inyong sugat. Sapagkat ako'y magiging parang leon sa Efraim, at parang isang batang leon sa sambahayan ni Juda, ako, ako mismo ang pipilas at aalis; ako'y tatangay, at walang magliligtas. Ako'y muling babalik sa aking dako, hanggang sa kilalanin nila ang kanilang pagkakasala, at hanapin ang aking mukha. Sa kanilang pagdadalamhati ay hahanapin nila akong mainam. "Halikayo at tayo'y manumbalik sa PANGINOON; sapagkat siya ang lumapa, ngunit pagagalingin niya tayo; sinugatan niya tayo ngunit tayo'y kanyang bebendahan. Pagkatapos ng dalawang araw ay muli niya tayong bubuhayin; sa ikatlong araw ay ibabangon niya tayo, upang tayo'y mabuhay sa harap niya. At ating kilalanin, tayo'y magpatuloy upang makilala ang PANGINOON; ang kanyang paglabas ay kasintiyak ng bukang-liwayway; at siya'y paparito sa atin na parang ulan, tulad ng ulan sa tagsibol na dumidilig sa lupa." Anong gagawin ko sa iyo, O Efraim? Anong gagawin ko sa iyo, O Juda? Ang inyong katapatan ay parang ulap sa umaga, at parang hamog na maagang umaalis. Kaya't sila'y aking pinutol sa pamamagitan ng mga propeta; pinatay ko sila ng mga salita ng aking bibig; at ang aking mga kahatulan ay lumalabas na parang liwanag. Sapagkat nalulugod ako sa katapatan, kaysa alay, ng pagkakilala sa Diyos kaysa mga handog na sinusunog. Ngunit gaya ni Adan ay sumuway sila sa tipan; doo'y nagsigawa silang may kataksilan sa akin. Ang Gilead ay lunsod ng mga gumagawa ng kasamaan; tigmak ng dugo. Kung paanong ang mga tulisan ay nag-aabang sa isang tao, gayon nagsasama-sama ang mga pari; sila'y pumapatay sa daan patungong Shekem. Sila'y gumagawa ng kasamaan. Sa sambahayan ni Israel ay nakakita ako ng kakilakilabot na bagay; ang pagiging bayarang babae ng Efraim ay naroroon, ang Israel ay dinudungisan ang sarili. Sa iyo rin, O Juda, ay may nakatakdang pag-aani, kapag ibabalik ko na ang mga kayamanan sa aking bayan. Kapag pagagalingin ko na ang Israel, ang kasamaan nga ng Efraim ay mabubunyag, at ang masasamang gawa ng Samaria; sapagkat sila'y nandaraya, ang magnanakaw ay nanloloob, at ang mga tulisan ay nananamsam sa labas. Ngunit hindi nila isinasaalang-alang sa kanilang mga puso na aking tinatandaan ang lahat nilang masasamang gawa. Ngayo'y pinalilibutan sila ng kanilang sariling mga gawa; sila'y nasa harap ko. Kanilang pinasasaya ang hari sa pamamagitan ng kanilang kasamaan, at ng kanilang pagsisinungaling ang mga pinuno. Silang lahat ay mga mangangalunya; sila'y parang pinainit na pugon, na ang magtitinapay nito ay tumitigil sa pagpapaningas ng apoy, mula sa paggawa ng masa hanggang sa ito'y malagyan ng pampaalsa. Nang araw ng ating hari ang mga pinuno ay nagkasakit dahil sa tapang ng alak; kanyang iniunat ang kanyang kamay kasama ng mga mapanlibak. Sapagkat sila'y nagniningas tulad ng isang pugon, habang sila'y nag-aabang, ang kanilang magtitinapay ay natutulog magdamag, sa kinaumagaha'y lumalagablab na parang nagliliyab na apoy. Silang lahat ay mainit na parang pugon, at nilalamon nila ang kanilang mga hukom. Lahat ng kanilang mga hari ay nabuwal; at wala ni isa sa kanila na tumatawag sa akin. Ang Efraim ay nakikisalamuha sa mga bansa; ang Efraim ay isang tinapay na hindi binaligtad. Nilalamon ng mga dayuhan ang kanyang lakas, at hindi niya ito nalalaman; mga uban ay nakasabog sa kanya, at hindi niya ito nalalaman. Ang kapalaluan ng Israel ay nagpapatotoo laban sa kanya; gayunma'y hindi sila nanumbalik sa PANGINOON nilang Diyos, ni hinanap man siya, dahil sa lahat ng ito. At ang Efraim ay parang isang kalapati, hangal at walang pang-unawa sila'y tumatawag sa Ehipto, sila'y pumupunta sa Asiria. Habang sila'y humahayo, aking ilaladlad ang aking lambat sa kanila; akin silang ibabagsak na parang mga ibon sa himpapawid; aking parurusahan sila ayon sa iniulat sa kanilang kapisanan. Kahabag-habag sila, sapagkat sila'y lumayo sa akin! Ang pagkawasak ay sumakanila, sapagkat sila'y naghimagsik laban sa akin! Tutubusin ko sana sila, ngunit nagsasalita sila ng mga kasinungalingan laban sa akin. Sila'y hindi dumadaing sa akin mula sa kanilang puso, kundi sila'y nananangis sa kanilang mga higaan; sila'y nagtitipon dahil sa trigo at alak; sila'y naghihimagsik laban sa akin. Kahit na aking sinanay at pinalakas ang kanilang mga bisig, gayunma'y nagbalak sila ng masama laban sa akin. Sila'y nanunumbalik, ngunit hindi sa kanya na kataas-taasan; sila'y parang mandarayang busog; ang kanilang mga pinuno ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak dahil sa poot ng kanilang dila. Ito ang magiging katuyaan sa kanila sa lupain ng Ehipto. Ilagay mo ang trumpeta sa iyong bibig. Gaya ng agila ang kaaway ay dumarating laban sa bahay ng PANGINOON, sapagkat kanilang sinuway ang aking tipan, at nilabag ang aking kautusan. Sila'y dumadaing sa akin, "Diyos ko, kami ng Israel ay nakakakilala sa iyo." Itinakuwil ng Israel ang mabuti, hahabulin siya ng kaaway. Sila'y naglalagay ng mga hari, ngunit hindi sa pamamagitan ko. Sila'y naglalagay ng mga prinsipe, ngunit wala akong kinalaman. Sa kanilang pilak at ginto ay gumawa sila ng mga diyus-diyosan para sa kanilang sarili, upang sila'y mapahiwalay. Kanyang itinakuwil ang iyong guya, O Samaria. Ang aking galit ay nag-aalab laban sa kanila. Kailan pa sila magiging mga walang sala? Sapagkat ito'y mula sa Israel, ginawa ito ng manggagawa, at ito'y hindi Diyos. Ang guya ng Samaria ay pagpuputul-putulin. Sapagkat sila'y naghahasik ng hangin, sila'y mag-aani ng ipu-ipo. Ang mga nakatayong trigo ay walang mga ulo, hindi ito magbibigay ng butil; at kung magbigay ay lalamunin ito ng mga dayuhan. Ang Israel ay nilamon; ngayo'y kasama na siya ng mga bansa tulad sa sisidlang walang sinumang nalulugod. Sapagkat sila'y nagsiahon sa Asiria, parang isang mailap na asno na nag-iisa; ang Efraim ay may upahang mga mangingibig. Bagaman sila'y umuupa ng mga kapanalig sa mga bansa, akin nga silang titipunin ngayon. At sila'y magsimulang mangaunti dahil sa kabigatan mula sa mga hari at ng niga pinuno. Sapagkat ang Efraim ay nagparami ng mga dambana upang magkasala ang mga iyon sa kanya ay naging mga dambana para sa pagkakasala. Kahit isulat ko para sa kanya ang aking kautusan nang sampu-sampung libo, ang mga iyon ay ituturing nilang kakatuwang bagay. Kahit maghandog sila ng mga piling alay, bagaman kumain sila ng laman, ang mga iyon ay hindi tinatanggap ng PANGINOON. Ngayo'y aalalahanin niya ang kanilang kasamaan, at parurusahan sila dahil sa kanilang mga kasalanan; sila'y babalik sa Ehipto. Sapagkat nilimot ng Israel ang Lumikha sa kanya, at nagtayo ng mga palasyo, at nagparami ang Juda ng mga lunsod na may kuta, ngunit magsusugo ako ng apoy sa kanyang mga lunsod, at tutupukin nito ang kanyang mga tanggulan. Huwag kang magalak, O Israel! Huwag kang matuwa, na gaya ng ibang mga bayan; sapagkat ikaw ay naging bayarang babae, tinalikuran mo ang iyong Diyos; iyong inibig ang bayad sa bayarang babae sa ibabaw ng lahat ng giikan. Ang giikan at ang pisaan ng ubas ay hindi magpapakain sa kanila, at ang bagong alak ay kukulangin sa kanya. Sila'y hindi mananatili sa lupain ng PANGINOON; kundi ang Efraim ay babalik sa Ehipto, at sila'y kakain ng maruming pagkain sa Asiria. Hindi sila magbubuhos ng inuming handog sa PANGINOON, ni makalulugod man sa kanya ang kanilang mga alay. Ang kanilang mga handog ay magiging parang tinapay ng nagluluksa; lahat ng kumakain niyon ay madudungisan; sapagkat ang kanilang tinapay ay, para lamang sa kanilang gutom; hindi iyon papasok sa bahay ng PANGINOON, Ano ang inyong gagawin sa araw ng takdang kapulungan, at sa araw ng kapistahan ng PANGINOON? Sapagkat, narito, sila'y nakatakas mula sa pagkawasak, gayunma'y titipunin sila ng Ehipto, sila'y ililibing ng Memfis; ang kanilang mahahalagang bagay na pilak ay aariin ng dawag; magkakaroon ng mga tinik ang kanilang mga tolda. Ang mga araw ng pagpaparusa ay dumating na, sumapit na ang mga araw ng paniningil; hayaang malaman iyon ng Israel. Ang propeta ay hangal, ang lalaking may espiritu ay ulol, dahil sa iyong malaking kasamaan, at malaking poot. Ang propeta ang bantay sa Efraim, ang bayan ng aking Diyos, gayunma'y nasa lahat ng kanyang daan ang bitag ng manghuhuli, at ang pagkamuhi ay nasa bahay ng kanyang Diyos. Pinasama nila nang lubusan ang kanilang mga sarili, na gaya nang mga araw ng Gibea; kanyang aalalahanin ang kanilang kasamaan, kanyang parurusahan sila dahil sa kanilang mga kasalanan. Aking natagpuan ang Israel na parang ubas sa ilang. Aking nakita ang inyong mga magulang na parang unang bunga sa puno ng igos sa kanyang unang kapanahunan. Ngunit sila'y pumaroon kay Baal-peor, at itinalaga ang kanilang sarili sa kahihiyan, at naging kasuklamsuklam na gaya ng bagay na kanilang inibig. Ang kaluwalhatian ng Efraim, ay lilipad papalayo na parang ibon; walang panganganak, walang pagbubuntis, at walang paglilihi! Kahit magpalaki pa sila ng mga anak, aalisan ko sila ng anak hanggang walang matira. Oo, kahabag-habag sila kapag ako'y humiwalay sa kanila! Ang Efraim, gaya nang aking makita ang Tiro, na natatanim sa magandang dako, ngunit ilalabas ng Efraim ang kanyang mga anak sa katayan, Bigyan mo sila, O PANGINOON — anong iyong ibibigay? Bigyan mo sila ng mga sinapupunang maaagasan at ng mga tuyong suso. Lahat nilang kasamaan ay nasa Gilgal; doo'y nagsimula kong kapootan sila. Dahil sa kasamaan ng kanilang mga gawa, palalayasin ko sila sa aking bahay. Hindi ko na sila iibigin; lahat ng kanilang pinuno ay mga mapanghimagsik. Ang Efraim ay nasaktan, ang kanilang ugat ay natuyo, sila'y hindi magbubunga. Kahit sila'y manganak, aking papatayin ang minamahal na bunga ng kanilang sinapupunan. Itatakuwil sila ng aking Diyos, sapagkat hindi sila nakinig sa kanya; at sila'y magiging mga palaboy sa gitna ng mga bansa. Ang Israel ay isang mayabong na baging na namumunga. Habang dumarami ang kanyang bunga, dumarami rin ang mga itinatayo niyang dambana; kung paanong bumubuti ang kanyang lupain ay gayon niya pinabubuti ang mga haligi niya. Ang kanilang puso ay di-tapat; ngayo'y dapat nilang pasanin ang kanilang kasalanan. Ibabagsak ng PANGINOON ang kanilang mga dambana, at wawasakin ang kanilang mga haligi. Sapagkat ngayo'y kanilang sasabihin, "Wala kaming hari; sapagkat hindi kami natatakot sa PANGINOON; at ang hari, ano ang magagawa niya para sa amin?" Sila'y bumibigkas ng mga salita lamang; sa pamamagitan ng mga hungkag na panata ay gumagawa sila ng mga tipan; kaya't ang paghatol ay sumisibol tulad ng damong nakalalason sa mga lupang binungkal sa bukid. Ang mga naninirahan sa Samaria ay nanginginig dahil sa mga guya ng Bet-haven. Sapagkat ang taong-bayan niyon ay magluluksa doon, at ang mga paring sumasamba sa diyus-diyosan niyon ay mananangisi doon, dahil sa kaluwalhatian niyon na nawala roon. Dadalhin mismo ang bagay na iyon sa Asiria, bilang kaloob sa Haring Jareb. Ang Efraim ay ilalagay sa kahihiyan, at ikahihiya ng Israel ang kanyang sariling payo. Ang hari ng Samaria ay mapapahamak, na parang bula sa ibabaw ng tubig. Ang matataas na dako ng Aven, ang kasalanan ng Israel ay mawawasak. Ang mga tinik at mga dawag ay tutubo sa kanilang mga dambana; at sasabihin nila sa mga bundok, Takpan ninyo kami; at sa mga burol, Mahulog kayo sa amin. O Israel, ikaw ay nagkasala mula sa mga araw ng Gibea; doon sila ay nagpatuloy. Hindi ba sila aabutan ng digmaan sa Gibea? Ako'y darating laban sa masasamang tao upang parusahan sila; at ang mga bansa ay titipunin laban sa kanila, kapag sila'y nagapos sa kanilang dalawang pagsalangsang. Ang Efraim ay isang turuan na dumalagang baka, na mahilig gumiik, at aking iniligtas ang kanyang magandang leeg; ngunit ilalagay ko ang Efraim sa pamatok, ang Juda ay dapat mag-araro, dapat hilahin ng Jacob ang kanyang pansuyod. Maghasik kayo para sa inyong sarili ng katuwiran; mag-ani kayo ng bunga ng kabutihang loob; bungkalin ninyo ang inyong tiwangwang na lupa, sapagkat panahon nang hanapin ang PANGINOON, upang siya'y dumating at magpaulan ng katuwiran sa inyo. Kayo'y nag-araro ng kasamaan, kayo'y nag-ani ng walang katarungan; kayo'y nagsikain ng bunga ng kasinungalingan. Sapagkat ikaw ay nagtiwala sa iyong lakad, at sa dami ng iyong mga mandirigma. Kaya't babangon ang kaguluhan ng digmaan sa iyong mga taong-bayan, at lahat ng iyong mga muog ay magigiba, gaya ni Salman na giniba ang Bet-arbel sa araw ng paglalaban: ang mga ina ay pinagluray-luray na kasama ng kanilang mga anak. Gayon ang gagawin sa inyo, O Bethel, dahil sa inyong malaking kasamaan. Sa pagbubukang-liwayway, ang hari ng Israel ay pupuksain. Nang bata pa ang Israel, minahal ko siya, at mula sa Ehipto ay tinawag ko ang aking anak. Habang lalo ko silang tinatawag ay lalo naman silang lumalayo sa akin sila'y patuloy na nag-aalay sa mga Baal, at nagsusunog ng mga kamanyang sa mga diyus-diyosan. Gayunma'y ako ang nagturo sa Efraim na lumakad; kinalong ko sila sa aking mga bisig; ngunit hindi nila nalaman na pinagaling ko sila. Akin silang pinatnubayan ng panali ng tao, ng mga panali ng pag-ibig. Sa kanila ako'y naging gaya ng nag-aalis ng pamingkaw sa kanilang mga panga; at ako'y naglagay ng pagkain sa harap nila. Sila'y hindi babalik sa lupain ng Ehipto; ngunit ang Asiria ang magiging hari nila, sapagkat sila'y tumangging manumbalik sa akin. Ang tabak ay magngangalit sa kanilang mga lunsod, at tutupukin ang mga halang sa kanilang mga pintuan, at lalamunin sila dahil sa kanilang sariling mga pakana. Ang bayan ko ay mahilig lumayo sa akin. Bagaman tumatawag sila sa Kataas-taasan, walang sinumang nagtataas sa kanya. Paano kitang pababayaan, O Efraim? Paano kita itatakuwil, O Israel? Paano kita gagawing tulad ng Adma? Paano kita ituturing na tulad ng Zeboim? Ang aking puso ay nabagbag sa loob ko, ang aking habag ay nagningas. Hindi ko igagawad ang aking mabangis na galit, hindi ako babalik upang wasakin ang Efraim; sapagkat ako'y Diyos, at hindi tao; ang Banal sa gitna mo; at hindi ako darating na may poot. Sila'y lalakad nang ayon sa PANGINOON, siya'y uungal na parang leon; kapag siya'y umungal, ang kanyang mga anak ay darating na nanginginig mula sa kanluran. Sila'y darating na nanginginig na parang mga ibon mula sa Ehipto, at parang mga kalapati mula sa lupain ng Asiria; at ibabalik ko sila sa kanilang mga tahanan, sabi ng PANGINOON. Pinalibutan ako ng Efraim ng kasinungalingan, at ng sambahayan ni Israel ng daya; ngunit ang Juda ay lumalakad pa ring kasama ng Diyos, at tapat pa rin sa Banal. Ang Efraim ay nanginginain sa hangin, at humahabol sa hanging silangan sa buong araw; sila'y nagpaparami ng mga kabulaanan at karahasan; sila'y nakikipagkasundo sa Asiria, at nagdadala ng langis sa Ehipto. Ang PANGINOON ay may paratang laban sa Juda, at parurusahan ang Jacob ayon sa kanyang mga lakad; at pagbabayarin siya ayon sa kanyang mga gawa. Sa sinapupunan ay kanyang hinawakan sa sakong ang kanyang kapatid; at sa kanyang pagkabinata ay nakipagbuno siya sa Diyos. Siya'y nakipagbuno sa anghel, at nanaig; siya'y tumangis, at humiling ng pagpapala niya. Nakatagpo niya siya sa Bethel, at doo'y nakipag-usap siya sa kanya. Ang PANGINOON, ang Diyos ng mga hukbo; PANGINOON ang kanyang pangalan! Kaya't magbalik-loob ka sa iyong Diyos, mag-ingat ng kabutihang-loob at katarungan, at hintayin mong lagi ang iyong Diyos. Isang mangangalakal na may timbangang madaya sa kanyang mga kamay, maibigin siya sa pang-aapi. At sinabi ng Efraim, Tunay na ako'y mayaman, ako'y nagkamal ng kayamanan para sa aking sarili; sa lahat ng aking pakinabang walang natagpuang paglabag sa akin na masasabing kasalanan." Ngunit ako ang PANGINOON mong Diyos mula sa lupain ng Ehipto; muli kitang patitirahin sa mga tolda, gaya sa mga araw ng takdang kapistahan. Ako ay nagsalita sa mga propeta, at ako ang nagparami ng mga pangitain; at sa pamamagitan ng mga propeta ay nagbigay ako ng mga talinghaga. Sa Gilead ba'y may kasamaan? Sila'y pawang walang kabuluhan. Sa Gilgal ay naghahandog sila ng mga toro; ang kanilang mga dambana ay parang mga bunton sa mga lupang binungkal sa bukid. Si Jacob ay tumakas patungo sa lupain ng Aram, at doon ay naglingkod si Israel dahil sa isang asawa, at dahil sa isang asawa ay nag-alaga siya ng mga tupa. Sa pamamagitan ng isang propeta ay iniahon ng PANGINOON ang Israel mula sa Ehipto, at sa pamamagitan ng isang propeta, siya'y napangalagaan. Ang Efraim ay nagbigay ng mapait na galit, kaya't ibababa ng kanyang PANGINOON ang mga kasamaan niya sa kanya at pagbabayarin siya sa kanyang mga panlalait. Nang magsalita ang Efraim, nanginig ang mga tao; kanyang itinaas ang kanyang sarili sa Israel; ngunit siya'y nagkasala dahil kay Baal, at siya'y namatay. At ngayo'y patuloy silang nagkakasala, at gumagawa ng mga larawang hinulma para sa kanilang sarili, mga diyus-diyosang pilak na ginawa ayon sa kanilang pang-unawa, lahat. ng iyon ay gawa ng mga manggagawa. Sinasabi nila tungkol sa mga iyon, "Maghandog kayo rito." Ang mga tao ay humahalik sa mga guya! Kaya't sila'y magiging tulad ng ulap sa umaga, at tulad ng hamog na maagang naglalaho, na gaya ng ipa na tinatangay ng ipu-ipo mula sa giikan, at gaya ng usok na lumalabas sa labasan ng usok. Gayurima'y ako ang PANGINOON mong Diyos mula sa lupain ng Ehipto; at wala kang kilalang Diyos kundi ako, at liban sa akin ay walang tagapagligtas. Ako ang kumilala sa iyo sa ilang, sa lupain ng tagtuyot. Ayon sa kanilang pastulan, sila ay nabusog; sila ay nabusog, at ang kanilang puso ay nagmalaki; kaya't kinalimutan nila ako. Kaya't ako'y magiging gaya ng leon sa kanila; gaya ng leopardo ako'y mag-aabang sa tabi ng daan. Ako'y susunggab sa kanila na gaya ng oso na ninakawan ng kanyang mga anak, at pupunitin ko upang mabuksan ang takip ng kanilang puso; at doo'y lalamunin ko sila na gaya ng leon; kung paanong lalapain sila ng mabangis na hayop. Sa iyong ikapapahamak, O Israel; na ikaw ay laban sa akin, laban sa iyong katulong. Nasaan ngayon ang iyong hari upang mailigtas ka niya sa lahat ng iyong mga lunsod? Nasaan ang iyong mga hukom, na sa kanila'y sinabi mo, "Bigyan mo ako ng hari at mga pinuno?" Sa galit ko'y binigyan kita ng hari, at sa poot ko'y inalis ko siya. Ang kasamaan ng Efraim ay nababalot; ang kanyang kasalanan ay nakaimbak. Ang sakit ng panganganak ay dumarating para sa kanya; ngunit siya'y isang hangal na anak; sapagkat sa tamang panahon ay hindi siya nagpapakita sa bungad ng sinapupunan. Tutubusin ko ba sila mula sa kapangyarihan ng Sheol? Tutubusin ko ba sila mula kay Kamatayan? O Kamatayan, nasaan ang iyong mga salot? O Sheol, nasaan ang iyong pangwasak? Ang kahabagan ay nakatago sa aking mga mata. Bagaman siya'y maging mabunga sa kanyang mga kapatid, ang hanging silangan ay darating, ang malakas na hangin ng PANGINOON ay tataas mula sa ilang; at ang kanyang bukal ay matutuyo, at ang kanyang batis ay magiging tigang. Sasamsaman nito ang kanyang kabang-yaman ng bawat mahalagang bagay. Papasanin ng Samaria ang kanyang pagkakasala; sapagkat siya'y naghimagsik laban sa kanyang Diyos: sila'y ibubuwal ng tabak; ang kanilang mga sanggol ay pagluluray-lurayin at ang kanilang mga babaing buntis ay paluluwain ang bituka. O Israel, manumbalik ka sa PANGINOON mong Diyos; sapagkat ikaw ay nabuwal dahil sa iyong kasamaan. Magdala kayo ng mga salita, at manumbalik kayo sa PANGINOON; sabihin ninyo sa kanya, "Alisin mo ang lahat ng kasamaan, tanggapin mo ang mabuti; at aming ihahandog ang bunga ng aming mga labi. Hindi kami ililigtas ng Asiria; hindi kami sasakay sa mga kabayo; hindi na kami magsasabi sa gawa ng aming mga kamay, 'Aming Diyos.' Sa iyo'y nakakatagpo ng awa ang ulila." Aking gagamutin ang kanilang pagtataksil, malaya ko silang iibigin; sapagkat ang aking galit ay naalis na sa kanila. Ako'y magiging tulad ng hamog sa Israel; siya'y mamumukadkad gaya ng liryo, at kakalat ang kanyang ugat tulad ng Lebanon. Ang kanyang mga sanga ay yayabong, at ang kanyang kagandahan ay magiging gaya ng puno ng olibo, at ang kanyang bango ay tulad ng Lebanon. Sila'y muling maninirahan sa kanyang lilim sila'y lalago gaya ng trigo, at mamumulaklak na gaya ng puno ng ubas, at ang kanilang bango ay magiging gaya ng alak ng Lebanon. O Efraim, ano ba ang kinalaman ko sa mga diyus-diyosan? Ako ang siyang sumasagot at nagbabantay sa iyo." Ako'y tulad sa sipres na laging luntian, sa akin nanggagaling ang iyong bunga. Sinuman ang pantas, unawain niya ang mga bagay na ito; sinumang may pang-unawa, alamin niya ang mga ito; sapagkat ang mga daan ng PANGINOON ay matuwid, at nilalakaran ng mga taong matuwid, ngunit natitisod sa mga iyon ang mga makasalanan. Ang salita ng PANGINOON na dumating kay Joel na anak ni Pethuel: Pakinggan ninyo ito, O matatanda, pakinggan ninyo, kayong lahat na naninirahan sa lupain! May nangyari na bang ganitong bagay sa inyong mga araw, o sa mga araw ng inyong mga ninuno? Sabihin ninyo iyon sa inyong mga anak, at ng inyong mga anak sa kanilang mga anak, at ng kanilang mga anak sa susunod na salinlahi. Ang iniwan ng nagngangatngat na balang, ay kinain ng kuyog na balang. Ang iniwan ng kuyog na balang ay kinain ng gumagapang na balang; at ang iniwan ng gumagapang na balang ay kinain ng maninirang balang. Gising, kayong mga maglalasing, at umiyak kayo; tumangis kayo, kayong lahat na manginginom ng alak, dahil sa matamis na alak na inilayo sa inyong bibig. Sapagkat ang isang bansa ay sumalakay sa aking lupain, malakas at di mabilang, ang kanyang mga ngipin ay mga ngipin ng leon, at siya'y may mga pangil ng babaing leon. Kanyang sinira ang aking puno ng ubas, at sinibak ang aking puno ng igos; kanyang binalatan at inihagis, ang kanilang mga sanga ay pumuti. Managhoy ka na parang birheng may bigkis ng damit-sako, para sa asawa ng kanyang kabataan. Ang handog na butil at ang handog na inumin ay inalis sa bahay ng PANGINOON. Ang mga pari na mga lingkod ng PANGINOON ay nagdadalamhati. Ang mga bukid ay sira, ang lupain ay nagluluksa, sapagkat ang trigo ay sira, ang bagong alak ay natuyo at ang langis ay kulang. Mahiya kayo, O kayong mga magsasaka, tumangis kayong mga nag-aalaga ng ubasan, dahil sa trigo at sebada; sapagkat ang ani sa bukid ay nasira. Ang puno ng ubas ay natuyo, at ang puno ng igos ay nalalanta. Ang puno ng granada, ang puno ng palma at ang puno ng mansanas, at lahat ng punungkahoy sa parang ay tuyo; sapagkat ang kagalakan ay nawala sa mga anak ng mga tao. Magbigkis kayo ng damit-sako at tumaghoy, O mga pari at tumaghoy, manangis, kayong mga lingkod sa dambana. Halikayo, palipasin ninyo ang magdamag na suot ang damit-sako, O mga lingkod ng aking Diyos! Sapagkat ang handog na butil at ang handog na inumin ay ipinagkait sa bahay ng inyong Diyos. Magtakda kayo ng pag-aayuno, tumawag kayo ng isang banal na pagtitipon. Tipunin ninyo ang matatanda at ang lahat ng nahinirahan sa lupain sa bahay ng PANGINOON ninyong Diyos, at dumaing kayo sa PANGINOON. Kahabag-habag ang araw na iyon! Sapagkat ang araw ng PANGINOON ay malapit na, at ito'y darating na gaya ng pagkawasak mula sa Makapangyarihan sa lahat. Hindi ba ang pagkain ay inalis sa ating harapan, ang kagalakan at kasayahan mula sa bahay ng ating Diyos? Ang mga binhi ay natutuyo sa ilalim ng lupa, ang mga kamalig ay walang laman, ang mga imbakan ay wasak; sapagkat walang trigo. Nag-uungalan ang mga hayop! Ang mga kawan ng mga baka ay nalilito sapagkat wala silang pastulan; pati ang mga kawan ng tupa ay nagdurusa. O PANGINOON, tumatawag ako sa iyo. Sapagkat tinupok ng apoy ang mga pastulan sa ilang, at sinunog ng apoy ang lahat ng punungkahoy sa parang. Maging ang mga hayop sa bukid ay humihingal sa iyo; sapagkat ang mga tubig sa batis ay natutuyo, at tinupok ng apoy ang mga pastulan sa ilang. Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion, patunugin ninyo ang hudyat sa aking banal na bundok! Manginig ang lahat ng naninirahan sa lupain, sapagkat ang araw ng PANGINOON ay dumarating, ito'y malapit na; isang araw ng kadiliman at pagkulimlim, araw ng mga ulap at makapal na dilim! Gaya ng bukang-liwayway na kumakalat sa mga bundok, isang dakila at makapangyarihang hukbo ang dumarating; hindi nagkaroon kailanman ng gaya nila, ni magkakaroon pa man pagkatapos nila, hanggang sa mga taon ng maraming salinlahi. Isang apoy ang tumutupok sa harapan nila; at sa likuran nila'y isang nagliliyab na apoy. Ang lupain ay parang halamanan ng Eden sa harapan nila, ngunit sa likuran nila'y isang sirang ilang; at walang nakatakas sa kanila. Ang anyo nila ay parang anyo ng mga kabayo; at sila'y tumatakbong gaya ng mga kabayong pandigma. Gaya ng rumaragasang karwahe ay lumulukso sila sa tuktok ng mga bundok, gaya ng hugong ng liyab ng apoy na tumutupok sa dayami, gaya ng isang makapangyarihang hukbo na nakahanda sa labanan. Sa kanilang harapan ay nagdadalamhati ang mga tao, lahat ng mukha ay namumutla. Sila'y sumasalakay na gaya ng mga mandirigma, kanilang iniakyat ang pader na gaya ng mga kawal. Bawat isa'y patungo sa kanya-kanyang lakad, at hindi sila lumilihis ng kanilang mga daan. Hindi sila nagtutulakan sa isa't isa; bawat isa'y lumalakad sa kanya-kanyang landas; kanilang sinasagupa ang mga sandata, at hindi sila mapahinto. Kanilang nilulukso ang lunsod; kanilang tinatakbo ang mga pader; kanilang inaakyat ang mga bahay; sila'y pumapasok sa mga bintana na gaya ng magnanakaw. Ang lupa ay nayayanig sa harap nila, ang langit ay nanginginig. Ang araw at ang buwan ay nagdidilim at ang mga bituin ay nawawalan ng kanilang kaningningan. Pinatutunog ng PANGINOON ang kanyang tinig sa unahan ng kanyang hukbo; sapagkat ang kanyang hukbo ay napakalaki, siya na nagsasagawa ng kanyang salita ay makapangyarihan. Sapagkat ang araw ng PANGINOON ay dakila at kakilakilabot; sinong makakatagal? "Gayunma'y ngayon," sabi ng PANGINOON, "manumbalik kayo sa akin nang inyong buong puso, na may pag-aayuno, at may pagtangis, at pagdadalamhati. At punitin ninyo ang inyong mga puso at hindi ang inyong mga damit." Manumbalik kayo sa PANGINOON ninyong Diyos; sapagkat siya'y mapagbiyaya at mahabagin, hindi magagalitin, at sagana sa tapat na pag-ibig at nalulungkot sa kasamaan. Sinong nakakaalam kung siya'y hindi magbabalik-loob, at malulungkot, at mag-iiwan ng isang pagpapala sa likuran niya, ng handog na butil at handog na inumin sa PANGINOON ninyong Diyos? Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion; magtakda kayo ng isang ayuno, tumawag kayo ng isang taimtim na pagtitipon. Tipunin ninyo ang bayan. Pakabanalin ang kapulungan; tipunin ang matatanda, tipunin ang mga bata, at ang mga sanggol na pasusuhin. Lumabas ang bagong kasal na lalaki sa kanyang silid, at ang bagong kasal na babae sa kanyang silid. Tumangis ang mga pari, ang mga lingkod ng PANGINOON sa pagitan ng portiko at ng dambana, at kanilang sabihin, "Maawa ka sa iyong bayan, O PANGINOON, at huwag mong gawing katatawanan ang iyong mana, na hinahamak ng mga bansa. Bakit nila sasabihin sa gitna ng mga bayan, 'Nasaan ang kanilang Diyos?'" At ang PANGINOON ay nanibugho para sa kanyang lupain, at nahabag sa kanyang bayan. At ang PANGINOON ay sumagot at sinabi sa kanyang bayan, "Narito, ako'y magpapadala sa inyo ng trigo, alak, at langis, at kayo'y mabubusog; at hindi ko kayo gagawing isang kahihiyan sa gitna ng mga bansa. "Aking ilalayo nang malayo sa inyo ang mula sa hilaga, at itataboy ko siya sa tuyo at sirang lupain, ang kanyang unaha'y sa dagat silangan, at ang kanyang hulihan ay sa dagat kanluran; ang kanyang baho at masamang amoy ay aalingasaw, sapagkat siya'y gumawa ng malalaking bagay. "Huwag kang matakot, O lupa, ikaw ay matuwa at magalak; sapagkat ang PANGINOON ang gumawa ng mga dakilang bagay! Huwag kayong matakot, kayong mga hayop sa parang; sapagkat ang mga pastulan sa ilang ay sariwa; ang punungkahoy ay nagbubunga, ang puno ng igos at ang puno ng ubas ay saganang nagbubunga. "Kayo'y matuwa, O mga anak ng Zion, at magalak sa PANGINOON ninyong Diyos; sapagkat kanyang ibinigay ang maagang ulan para sa inyong ikawawalang-sala, kanyang ibinuhos para sa inyo ang isang masaganang ulan, ang maaga at ang huling ulan, gaya nang dati. Ang mga giikan ay mapupuno ng trigo, at ang mga sisidlan ay aapawan ng alak at langis. "Aking isasauli sa inyo ang mga taon na kinain ng kuyog na balang, ng gumagapang na balang, at ng maninirang balang, at ng nagngangatngat na balang na siyang aking malaking hukbo, na aking sinugo laban sa inyo. "Kayo'y kakain nang sagana at mabubusog, at inyong pupurihin ang pangalan ng PANGINOON ninyong Diyos, na gumawa ng kababalaghan sa inyo; at ang aking bayan ay hindi na muling mapapahiya. At inyong malalaman na ako'y nasa gitna ng Israel, at ako ang PANGINOON ninyong Diyos, at wala nang iba; at ang aking bayan ay hindi na muling mapapahiya. "At mangyayari pagkatapos nito, na ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng laman; at ang inyong mga anak na lalaki at mga anak na babae ay magsasalita ng propesiya, ang inyong matatanda ay mananaginip ng mga panaginip, ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain. At maging sa mga lingkod na lalaki at babae ay ibubuhos ko sa mga araw na iyon ang aking Espiritu. 'At ako'y magbibigay ng mga tanda sa langit at sa lupa, dugo, apoy, at mga haliging usok. Ang araw ay magiging kadiliman, at ang buwan ay magiging dugo, bago dumating ang dakila at kakilakilabot na araw ng PANGINOON. At mangyayari na ang sinumang tumatawag sa pangalan ng PANGINOON ay maliligtas, sapagkat sa bundok ng Zion at sa Jerusalem ay pupunta ang mga nakatakas, gaya ng sinabi ng PANGINOON, at kabilang sa mga naligtas ay yaong mga tinatawag ng PANGINOON. "Sapagkat, narito, sa mga araw na iyon, at sa panahong iyon, kapag aking ibinalik ang kayamanan ng Juda at Jerusalem, aking titipunin ang lahat ng bansa at ibababa ko sila sa libis ni Jehoshafat; at hahatulan ko sila roon, dahil sa aking bayan at dahil sa aking manang Israel, sapagkat kanilang pinangalat sila sa mga bansa, at pinaghatian ang aking lupain, at nagsapalaran para sa aking bayan, at kanilang ibinigay ang isang batang lalaki dahil sa isang babaing upahan, at ipinagbili ang isang batang babae dahil sa alak, at ininom iyon. "Ano kayo sa akin, O Tiro at Sidon, at buong lupain ng Filistia? Binabayaran ba ninyo ako dahil sa isang bagay? Kung ako'y inyong binabayaran, mabilis at madali kong gagantihan ang inyong gawa sa inyong sariling ulo. Sapagkat inyong kinuha ang aking pilak at ginto, at inyong dinala sa inyong mga templo ang aking mga kayamanan. Inyong ipinagbili ang mga anak ng Juda at Jerusalem sa mga taga-Grecia, at inilayo sila sa kanilang sariling hangganan. Ngunit ngayon ay gigisingin ko sila sa dako na inyong pinagbilhan sa kanila, at aking sisingilin ang inyong gawa sa inyong sariling ulo. At aking ipagbibili ang inyong mga anak na lalaki at babae sa kamay ng mga anak ni Juda, at kanilang ipagbibili sila sa mga Sabeo, sa isang bansang malayo; sapagkat nagsalita ang PANGINOON." Ipahayag ninyo ito sa mga bansa: Maghanda kayo ng pakikidigma, pasiglahin ninyo ang malalakas na lalaki. Magsilapit ang lahat ng lalaking mandirigma, sila'y magsiahon. Gawin ninyong mga tabak ang inyong mga sudsod, at mga sibat ang inyong mga karit; hayaang sabihin ng mahina, "Ako'y malakas." Magmadali kayo, at magsiparito kayong lahat ng bansa sa palibot, magtipun-tipon kayo roon. Ibaba mo ang iyong mga malalakas, O PANGINOON. Pasiglahin ng mga bansa ang kanilang sarili, at sila'y umahon sa libis ni Jehoshafat; sapagkat doo'y uupo ako upang hatulan ang lahat ng bansa sa palibot. Gamitin ninyo ang karit, sapagkat ang aanihin ay hinog na. Pumasok kayo, at inyong yapakan, sapagkat ang pisaan ng alak ay puno. Ang imbakan ng alak ay inaapawan, sapagkat ang kanilang kasamaan ay napakalaki. Napakarami, napakarami, ang nasa libis ng pagpapasiya! Sapagkat ang araw ng PANGINOON ay malapit na sa libis hg pagpapasiya. Ang araw at ang buwan ay nagdidilim, at pinipigil ng mga bituin ang kanilang pagningning. At ang PANGINOON ay sumisigaw mula sa Zion, at binibigkas ang kanyang tinig mula sa Jerusalem; at ang langit at ang lupa ay nayayanig. Ngunit ang PANGINOON ay kanlungan sa kanyang bayan, at muog sa mga anak ni Israel. "At inyong malalaman na ako ang PANGINOON ninyong Diyos, na naninirahan sa Zion, na aking banal na bundok. Kung magkagayo'y magiging banal ang Jerusalem, at hindi na ito daraanan ng mga dayuhan. "At sa araw na iyon, ang mga bundok ay tutuluan ng matamis na alak, at ang mga burol ay dadaluyan ng gatas, at ang lahat ng batis ng Juda ay dadaluyan ng tubig; at isang bukal ay lalabas mula sa bahay ng PANGINOON, at didiligin ang libis ng Shittim. "Ang Ehipto ay masisira, at ang Edom ay magiging ilang na sira, dahil sa karahasang ginawa sa mga anak ni Juda, sapagkat sila'y nagpadanak ng dugong walang sala sa kanilang lupain. Ngunit ang Juda'y tatahanan magpakailanman, at ang Jerusalem sa lahat ng salinlahi. Ipaghihiganti ko ang kanilang dugo at hindi ko pawawalang-sala ang nagkasala, sapagkat ang PANGINOON ay naninirahan sa Zion." Ang mga salita ni Amos, na kasama ng mga pastol ng Tekoa, na nakita niya tungkol sa Israel nang mga araw ni Uzias na hari ng Juda, at nang mga araw ni Jeroboam na anak ni Joas na hari ng Israel, dalawang taon bago lumindol. At kanyang sinabi: "Ang PANGINOON ay umuungal mula sa Zion, at ipinahahayag ang kanyang tinig mula sa Jerusalem; at ang mga pastulan ng mga pastol ay nagluluksa, at ang tuktok ng Carmel ay natutuyo." Ganito ang sabi ng PANGINOON: "Dahil sa tatlong pagsuway ng Damasco, at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa, sapagkat kanilang giniik ang Gilead ng panggiik na bakal. Kaya't ako'y magsusugo ng apoy sa sambahayan ni Hazael, at tutupukin niyon ang mga tanggulan ni Ben-hadad. Aking wawasakin ang mga halang ng pintuan ng Damasco, at aking ihihiwalay ang mga naninirahan mula sa libis ng Aven, at siyang humahawak ng setro mula sa Bet-eden; at ang bayan ng Siria ay tutungo sa pagkabihag sa Kir," sabi ng PANGINOON. Ganito ang sabi ng PANGINOON "Dahil sa tatlong pagsuway ng Gaza, at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa; sapagkat kanilang dinalang-bihag ang buong bayan, upang ibigay sila sa Edom. Ngunit ako'y magsusugo ng apoy sa pader ng Gaza, at tutupukin nito ang mga tanggulan niyon. Aking ihihiwalay ang mga naninirahan mula sa Asdod, at siyang humahawak ng setro mula sa Ascalon; at aking ipipihit ang aking kamay laban sa Ekron, at ang nalabi sa mga Filisteo ay malilipol," sabi ng Panginoong DIYOS. Ganito ang sabi ng PANGINOON: "Dahil sa tatlong pagsuway ng Tiro, at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa, sapagkat kanilang ibinigay ang buong bayan sa Edom, at hindi inalala ang tipan ng pagkakapatiran. Kaya't ako'y magsusugo ng apoy sa pader ng Tiro, at tutupukin nito ang kanyang tanggulan." Ganito ang sabi ng PANGINOON: "Dahil sa tatlong pagsuway ng Edom, at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa, sapagkat hinabol niya ng tabak ang kanyang kapatid, at ipinagkait ang lahat ng habag, at ang kanyang galit ay laging nangwawasak, at taglay niya ang kanyang poot magpakailanman. Ngunit magsusugo ako ng apoy sa Teman, at tutupukin nito ang mga tanggulan ng Bosra." Ganito ang sabi ng PANGINOON: "Dahil sa tatlong pagsuway ng mga anak ni Amon, at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa, sapagkat kanilang pinaluwa ang bituka ng mga babaing nagdadalang-tao sa Gilead, upang kanilang mapalawak ang kanilang hangganan. Kaya't ako'y magpapaningas ng apoy sa pader ng Rabba, at tutupukin nito ang kanyang mga tanggulan, na may sigawan sa araw ng pakikipaglaban, na may bagyo sa araw ng ipu-ipo. At ang kanilang hari ay tutungo sa pagkabihag, siya at ang kanyang mga pinuno na magkakasama," sabi ng PANGINOON. Ganito ang sabi ng PANGINOON: "Dahil sa tatlong pagsuway ng Moab, at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa; sapagkat kanyang sinunog upang maging apog ang mga buto ng hari ng Edom. Kaya't ako'y magsusugo ng apoy sa Moab, at tutupukin nito ang mga tanggulan ng Kiryot; at ang Moab ay mamamatay sa gitna ng pagkakagulo, na may sigawan at tunog ng trumpeta. At aking ihihiwalay ang hukom sa gitna niyon, at papatayin ko ang lahat ng pinuno niyon na kasama niya," sabi ng PANGINOON. Ganito ang sabi ng PANGINOON: "Dahil sa tatlong pagsuway ng Juda, at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa, sapagkat kanilang itinakuwil ang kautusan ng PANGINOON, at hindi iningatan ang kanyang mga tuntunin, kundi iniligaw sila ng kanilang mga kasinungalingang nilakaran din ng kanilang mga magulang. Kaya't magsusugo ako ng isang apoy sa Juda; at tutupukin niyon ang mga tanggulan ng Jerusalem." Ganito ang sabi ng PANGINOON: "Dahil sa tatlong pagsuway ng Israel, at dahil sa apat, hindi ko pawawalang-bisa ang parusa; sapagkat kanilang ipinagbili ang matuwid dahil sa pilak, at ang nangangailangan sa isang pares na sandalyas — kanilang tinapakan ang ulo ng dukha sa alabok ng lupa, at inililiko ang lakad ng mapagpakumbaba; at ang lalaki at kanyang ama ay sumisiping sa iisang dalaga, kaya't nalapastangan ang aking banal na pangalan. At sila'y nakahiga sa tabi ng bawat dambana, sa ibabaw ng mga kasuotang nakuha sa pamamagitan ng sangla; at sa bahay ng kanilang Diyos ay umiinom sila ng alak na binili mula sa multa na kanilang ipinataw. "Gayunma'y nilipol ko ang Amoreo sa harapan nila, na ang taas ay gaya ng taas ng mga sedro, at kasinlakas na gaya ng mga ensina; nilipol ko ang kanyang bunga sa itaas, at ang kanyang mga ugat sa ilalim. Iniahon ko rin kayo sa lupain ng Ehipto, at pinatnubayan ko kayo nang apatnapung taon sa ilang, upang angkinin ninyo ang lupain ng Amoreo. At pinili ko ang ilan sa inyong mga anak upang maging mga propeta, at ang ilan sa inyong mga binata upang maging mga Nazirita. Di ba gayon, O bayan ng Israel? sabi ng PANGINOON. "Ngunit pinainom ninyo ng alak ang mga Nazirita, at inutusan ninyo ang mga propeta, na sinasabi, 'Huwag kayong magsalita ng propesiya! "Narito, pabibigatan ko kayo sa inyong dako, na gaya ng pagpapabigat sa isang karwaheng puno ng mga bigkis. Ang pagtakas ay maglalaho sa matulin; at hindi mapapanatili ng malakas ang kanyang kalakasan; ni maililigtas ng makapangyarihan ang kanyang sarili. Hindi makakatindig ang humahawak ng pana; at siyang matulin ang paa ay hindi makakatakas, ni siya mang nakasakay sa kabayo ay makapagliligtas ng kanyang buhay. At siya na matapang sa mga makapangyarihan ay tatakas na hubad sa araw na iyon," sabi ng PANGINOON. akinggan ninyo ang salitang ito na sinabi ng PANGINOON laban sa inyo, O mga anak ni Israel, laban sa buong sambahayan na aking iniahon papalabas mula sa lupain ng Ehipto: "Kayo lamang ang aking nakilala sa lahat ng angkan sa lupa; kaya't parurusahan ko kayo sa lahat ninyong mga kasamaan. "Makakalakad ba ang dalawa na magkasama, malibang sila'y mayroong ginawang tipanan? Uungal ba ang leon sa gubat, kapag wala siyang huli? Sisigaw ba ang batang leon mula sa kanyang yungib, kung wala siyang nahuling anuman? Malalaglag ba ang ibon sa silo sa ibabaw ng lupa, kapag walang silo para dito? Lulukso ba ang panghuli mula sa lupa, kapag wala itong nahuling anuman? Hihipan ba ang trumpeta sa isang lunsod, at ang taong-bayan ay hindi matatakot? Sasapit ba ang kasamaan sa lunsod, malibang ginawa ito ng PANGINOON? Tunay na ang Panginoong DIYOS ay walang gagawin, malibang kanyang ihayag ang kanyang lihim sa kanyang mga lingkod na mga propeta, Ang leon ay umungal, sinong di matatakot? Ang Panginoong DIYOS ay nagsalita; sinong hindi magsasalita ng propesiya?" Ihayag ninyo sa mga muog sa Asdod, at sa mga muog sa lupain ng Ehipto, at inyong sabihin, "Magtipun-tipon kayo sa mga bundok ng Samaria, at inyong masdan ang malaking kaguluhan sa gitna niya, at ang pagpapahirap na nasa gitna niya." "Hindi nila alam ang paggawa ng matuwid," sabi ng PANGINOON, "sila na nag-iimbak ng karahasan at pagnanakaw sa kanilang mga muog." Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: "Palilibutan ng isang kaaway ang lupain at kanyang ibabagsak ang iyong tanggulan, at ang iyong mga muog ay sasamsaman." Ganito ang sabi ng PANGINOON: "Kung paanong inaagaw ng pastol sa bibig ng leon ang dalawang hita, o ang isang piraso ng tainga, gayon ililigtas ang mga anak ni Israel na naninirahan sa Samaria, na may sulok ng hiligan at bahagi ng isang kama." "Pakinggan ninyo, at magpatotoo kayo laban sa sambahayan ni Jacob," sabi ng Panginoong DIYOS, ng Diyos ng mga hukbo: "Sa araw na aking parusahan ang Israel dahil sa kanyang pagsuway, ay aking parurusahan din ang mga dambana ng Bethel, at ang mga sungay ng dambana ay tatanggalin, at sila'y malalaglag sa lupa. At aking wawasakin ang bahay na pang-taglamig na kasabay ng bahay na pang-tag-init; at ang mga bahay na garing ay mawawala, at ang malalaking bahay ay magwawakas," sabi ng PANGINOON. "Pakinggan ninyo ang salitang ito, O mga baka ng Basan, na nasa bundok ng Samaria, na umaapi sa mga dukha, na dumudurog sa mga nangangailangan, na nagsasabi sa kanilang mga asawang lalaki, 'Dalhin ninyo ngayon, upang kami'y makainom!' Ang Panginoong DIYOS ay sumumpa sa pamamagitan ng kanyang kabanalan: Ang mga araw ay tiyak na darating sa inyo, na kanilang tatangayin kayo sa pamamagitan ng mga bingwit, pati ang kahuli-hulihan sa inyo sa pamamagitan ng mga pamingwit. At kayo'y lalabas sa mga butas, na bawat isa'y tuluy-tuloy sa harapan niya. at kayo'y itatapon sa Harmon," sabi ng PANGINOON. "Pumunta kayo sa Bethel, at sumuway kayo; sa Gilgal, at paramihin ninyo ang pagsuway, dalhin ninyo ang inyong mga handog tuwing umaga, at ang inyong mga ikasampung bahagi tuwing ikatlong araw; kayo'y maghandog ng alay ng pasasalamat na may pampaalsa, at kayo'y maghayag ng mga kusang handog at inyong ipamalita ang mga iyon, sapagkat gayon ang nais ninyong gawin, O bayan ng Israel!" sabi ng Panginoong DIYOS. "At binigyan ko naman kayo ng kalinisan ng mga ngipin sa lahat ninyong mga lunsod, at kakulangan ng tinapay sa lahat ninyong mga dako; gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin," sabi ng PANGINOON. "At pinigil ko rin ang ulan sa inyo, nang tatlong buwan na lamang at pag-aani na; ako'y nagpaulan sa isang bayan, at hindi ko pinaulan sa kabilang bayan: ang isang bukid ay inulanan, at ang bukid na hindi inulanan ay natuyo. Sa gayo'y dalawa o tatlong bayan ang gumala sa isang bayan upang uminom ng tubig, at hindi napawi ang uhaw; gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin," sabi ng PANGINOON. "Aking sinalot kayo ng pagkalanta at ng amag. Sinira ko ang inyong mga halamanan at ang inyong mga ubasan; ang inyong mga puno ng igos at mga puno ng olibo ay nilamon ng balang; gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin," sabi ng PANGINOON. "Aking pinarating sa gitna ninyo ang salot na gaya ng sa Ehipto; ang inyong mga binata ay pinatay ko ng tabak, kasama ang inyong mga kabayong nabihag; at aking pinaalingasaw ang baho ng inyong kampo hanggang sa mga butas ng inyong ilong; gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin," sabi ng PANGINOON. "Ibinuwal ko kayo gaya nang ibinuwal ng Diyos ang Sodoma at Gomorra, at kayo'y naging gaya ng nagniningas na kahoy na inagaw sa apoy; gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin," sabi ng PANGINOON. "Kaya't ganito ang gagawin ko sa iyo, O Israel; sapagkat aking gagawin ito sa iyo, humanda ka sa pagsalubong sa iyong Diyos, O Israel!" Sapagkat, narito, siyang nag-aanyo ng mga bundok, at lumilikha ng hangin, at nagpapahayag sa tao kung ano ang kanyang iniisip; na nagpapadilim ng umaga, at yumayapak sa matataas na dako ng lupa — ang PANGINOON, ang Diyos ng mga hukbo, ang kanyang pangalan! Pakinggan ninyo ang salitang ito na aking itinataghoy sa inyo, O sambahayan ni Israel: "Siya*y bumagsak na, hindi na siya babangon pa, ang birhen ng Israel; siya'y itinakuwil sa kanyang lupain, walang magbangon sa kanya." Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS: "Ang lunsod na lumabas na isang libo ay magkakaroon ng isandaang maiiwan, at ang lumabas na isandaan ay magkakaroon ng sampung maiiwan, sa sambahayan ni Israel." Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON sa sambahayan ni Israel, "Hanapin ninyo ako, at kayo'y mabubuhay; ngunit huwag ninyong hanapin ang Bethel, at huwag pumasok sa Gilgal, ni dumaan sa Beer-seba; sapagkat ang Gilgal ay tiyak na patungo sa pagkabihag, at ang Bethel ay mauuwi sa wala. Inyong hanapin ang PANGINOON, at kayo'y mabubuhay; baka siya'y magsiklab na parang apoy sa sambahayan ni Jose, at lalamunin nito ang Bethel, at walang makakapatay niyon. O kayo na ginagawa ninyong mapait na kahoy ang katarungan, at inihahagis sa lupa ang katuwiran! Siya na lumikha ng Pleyades at Orion, at ang gabing malalim ay ginagawang umaga, at pinadidilim ang araw upang maging gabi, na tinatawag ang mga tubig ng dagat, at ibinubuhos ang mga iyon sa ibabaw ng lupa ang PANGINOON ang kanyang pangalan; siya ang nagdadala ng biglang pagkawasak laban sa malakas, anupa't ang pagkawasak ay dumarating sa tanggulan. Kanilang kinapopootan ang nananaway sa pintuan, at kanilang kinasusuklaman ang nagsasalita ng katotohanan. Kaya't yamang inyong niyayapakan ang dukha, at pinagbubuwis ninyo siya ng trigo, kayo'y nagtayo ng mga bahay na batong tinabas, ngunit hindi ninyo iyon tatahanan; kayo'y nagtanim ng magagandang ubasan, ngunit hindi ninyo iinumin ang alak niyon. Sapagkat alam ko kung gaano karami ang inyong mga pagsuway, at kung gaano kalaki ang inyong mga kasalanan — kayong nagpapahirap sa matuwid, kayo na kumukuha ng suhol, at itinutulak sa isang tabi ng pintuan ang nangangailangan. Kaya't siya na mabait ay tatahimik sa panahong iyon; sapagkat iyon ay masamang panahon. Hanapin ninyo ang mabuti at hindi ang masama, upang kayo'y mabuhay; at sa gayo'y ang PANGINOON, ang Diyos ng mga hukbo, ay magiging kasama ninyo, gaya ng inyong sinasabi. Inyong kapootan ang masama, at ibigin ang mabuti, at kayo'y magpairal ng katarungan sa pintuang-bayan. Marahil ang PANGINOON, ang Diyos ng mga hukbo ay magiging mapagpala sa mga nalabi sa Jose. Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng mga hukbo, ang Panginoon: "Magkakaroon ng panaghoy sa lahat ng mga liwasan, at sila'y magsasabi sa lahat ng lansangan, 'Kahabag-habag! Kahabag-habag!' Kanilang tatawagin ang magbubukid upang magdalamhati, at sa pagtangis ang mga bihasa sa panaghoy. At sa lahat ng ubasan ay magkakaroon ng panaghoy; sapagkat ako'y daraan sa gitna mo," sabi ng PANGINOON. Kahabag-habag kayong nagnanais ng araw ng PANGINOON! Sa anong layunin ang araw ng PANGINOON sa inyo? Iyon ay kadiliman at hindi kaliwanagan, gaya ng isang tao na tumakas sa leon, at sinalubong siya ng oso, o pumasok sa bahay at ikinapit ang kanyang kamay sa dingding,' at isang ahas ang tumuka sa kanya. Hindi ba kadiliman ang araw ng PANGINOON, at hindi kaliwanagan, at kadiliman na walang ningning doon? "Aking kinapopootan, aking hinahamak ang inyong mga kapistahan, at hindi ako malulugod sa inyong mga takdang pagtitipon. Bagaman inyong inihahandog sa akin ang inyong mga handog na sinusunog at mga handog na butil, hindi ko iyon tatanggapin; ni akin mang pagmamasdan ang mga handog pangkapayapaan ng inyong mga pinatabang hayop. Ilayo mo sa akin ang ingay ng iyong mga awit; hindi ako makikinig sa himig ng iyong mga alpa. Kundi paagusin ninyo ang katarungan na parang tubig, at ang katuwiran na parang batis na patuloy na umaagos. "Nagdala ba kayo sa akin ng mga alay, at mga handog sa ilang sa loob ng apatnapung taon, O sambahayan ni Israel? Inyong dinala si Sakkuth na inyong hari, at si Kaiwan na inyong mga larawan, ang bituin ng inyong diyos, na inyong ginawa para sa inyong sarili. Kaya't kayo'y aking dadalhin sa pagkabihag sa kabila ng Damasco," sabi ng PANGINOON, na ang pangalan ay Diyos ng mga hukbo. "Kahabag-habag sila na nagwawalang-bahala sa Zion, at sila na tiwasay sa bundok ng Samaria, ang mga kilalang tao ng una sa mga bansa, na pinagmulan ng sambahayan ni Israel! Dumaan kayo sa Calne, at inyong tingnan; at mula roon ay pumunta kayo sa Hamat na dakila; at pagkatapos ay bumaba kayo sa Gat ng mga Filisteo. Magaling ba sila kaysa mga kahariang ito? O mas malaki ba ang kanilang nasasakupan kaysa inyong nasasakupan? Naglalayo ba kayo ng araw ng sakuna at maglalapit ba kayo ng upuan ng karahasan? "Silang mga nahihiga sa mga higaang garing, at nag-uunat ng kanilang sarili sa kanilang mga hiligan, at kumakain ng mga batang tupa mula sa kawan, at ng mga guya na mula sa gitna ng kulungan; na kumakatha ng mga tunog ng alpa na walang paghahanda; na kumakatha para sa kanilang sarili ng mga panugtog ng tugtugin, na gaya ni David; na umiinom ng alak sa mga mangkok at binubuhusan ang kanilang sarili ng pinakamagandang uri ng langis, ngunit hindi nahahapis sa pagkaguho ni Jose. Kaya't sila ngayon ay tutungo sa pagkabihag sa unahan ng mga bihag, at ang kasayahan nila na nag-uunat ng sarili ay mapaparam." Ang Panginoong DIYOS ay sumumpa sa kanyang sarili, ang PANGINOON,ng Diyos ng mga hukbo ay nagsabi: "Aking kinapopootan ang kapalaluan ng Jacob, at aking kinamumuhian ang kanyang mga muog; kaya't aking ibibigay ang lunsod at lahat ng naroroon.". At kung may natitirang sampung tao sa isang bahay, sila'y pawang mamatay. At kapag ang isang tiyuhin o yaong sumusunog ng patay, ang magbubuhat upang ilabas ang buto mula sa bahay, at sasabihin doon sa nasa loob na bahagi ng bahay, "Mayroon ka pa bang kasama?" at kanyang sasabihin: "Wala"; kung magkagayo'y kanyang sasabihin: "Tumahimik ka! Hindi natin dapat banggitin ang pangalan ng PANGINOON." Sapagkat narito, ang PANGINOON ay mag-uutos na ang malaking bahay ay mawawasak, at ang munting bahay ay madudurog. Tumatakbo ba ang mga kabayo sa malaking bato? Inaararo ba ng sinuman ang dagat sa pamamagitan ng mga toro? Ngunit inyong ginawang lason ang katarungan, at ginawang mapait na kahoy ang bunga ng katuwiran. Kayong nagagalak sa isang bagay na walang kabuluhan, na nagsasabi; "Hindi ba sa pamamagitan ng sarili naming lakas ay nagapi namin ang mga sungay para sa aming sarili?" "Sapagkat aking ititindig laban sa inyo ang isang bansa, O sambahayan ni Israel," sabi ng PANGINOON, ng Diyos ng mga hukbo; "at kanilang pahihirapan kayo mula sa pasukan sa Hamat hanggang sa batis ng Araba." Ganito ang ipinakita sa akin ng Panginoong DIYOS: at narito, siya'y lumikha ng mga balang sa pasimula ng huling pagsibol ng pananim, at narito, ang huling pananim ay pagkatapos ng mga gapas para sa hari. At nangyari, nang kanilang matapos kainin ang damo ng lupain, aking sinabi, "O Panginoong DIYOS, isinasamo ko sa iyo, magpatawad ka! Paanong tatayo ang Jacob? Sapagkat siya'y maliit! Siya'y napakaliit!" Ang PANGINOON ay nagbago ng isip tungkol dito, "Hindi mangyayari,'' sabi ng PANGINOON. Ganito ang ipinakita sa akin ng Panginoong DIYOS: at, narito, ang Panginoong DIYOS ay tumatawag, upang humatol sa pamamagitan ng apoy, at tinupok nito ang malaking kalaliman, at kinakain ang lupain. Nang magkagayo'y sinabi ko, "O Panginoong DIYOS, itigil mo, isinasamo ko sa iyo! Paanong makakatayo ang Jacob? Siya'y maliit!" Ang PANGINOON ay nagbago ng isip tungkol dito, "Ito'y hindi rin mangyayari," sabi ng Panginoong DIYOS. Ipinakita niya sa akin: Narito, ang Panginoon ay nakatayo sa tabi ng isang kuta na itinayo na may panghulog, na may panghulog sa kanyang kamay. At sinabi ng PANGINOON sa akin, "Amos, anong nakikita mo?" At aking sinabi, "Isang panghulog." At sinabi ng Panginoon, "Tingnan ninyo, ako'y maglalagay ng panghulog sa gitna ng aking bayang Israel; hindi na ako magdaraan pa sa kanila. At ang matataas na dako ng Isaac ay magiging sira, at ang mga santuwaryo ng Israel ay mahahandusay na wasak; at ako'y babangon na may tabak laban sa sambahayan ni Jeroboam." Nang magkagayo'y nagsugo si Amasias na pari sa Bethel kay Jeroboam na hari ng Israel, na nagsasabi, "Si Amos ay nakipagsabwatan laban sa iyo sa gitna ng sambahayan ni Israel. Hindi kayang dalhin ng lupain ang lahat niyarig mga salita. Sapagkat ganito ang sabi ni Amos, 'Si Jeroboam ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, at ang Israel ay tunay na pupunta sa pagkabihag mula sa kanyang lupain.'" Sinabi ni Amasias kay Amos, "O ikaw na tagakita, humayo ka, at tumakas ka sa lupain ng Juda, at doo'y kumain ka ng tinapay; at magsalita ka ng propesiya roon. Ngunit huwag ka nang muling magsalita ng propesiya sa Bethel, sapagkat iyon ay santuwaryo ng hari, at iyon ay templo ng kaharian." Nang magkagayo'y sumagot si Amos kay Amasias, "Ako'y hindi propeta, o anak man ng propeta; kundi ako'y pastol, at manggagawa sa mga puno ng sikomoro." At kinuha ako ng PANGINOON mula sa pagsunod sa kawan, at sinabi ng PANGINOON sa akin, 'Humayo ka, magsalita ka ng propesiya sa aking bayang Israel.' "Kaya't ngayo'y pakinggan mo ang salita ng PANGINOON, Iyong sinasabi, 'Huwag kang magpahayag ng propesiya laban sa Israel, at huwag kang mangaral laban sa sambahayan ni Isaac' Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON: 'Ang iyong asawa ay magiging masamang babae" sa lunsod, at ang iyong mga anak na lalaki at babae ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak, at ang iyong lupain ay mahahati sa pamamagitan ng pising panukat; at ikaw ay mamamatay sa isang lupaing marumi, at ang Israel ay tiyak na dadalhing bihag papalayo sa kanyang lupain.'" Ganito ang ipinakita ng Panginoong DIYOS sa akin: isang kaing ng bungang-kahoy sa tag-init At kanyang sinabi, 'Amos, anong nakikita mo?" At aking sinabi, "Isang kaing ng mga bungang-kahoy sa tag-init" Nang magkagayo'y sinabi ng PANGINOON sa akin, "Ang wakas ay dumating sa aking bayang Israel; hindi na ako muling daraan sa kanila. At ang mga awit sa templo ay magiging mga panaghoy sa araw na iyon," sabi ng Panginoong DIYOS; "darami ang mga bangkay na itinatapon sa bawat dako. Tumahimik kayo!" Pakinggan ninyo ito, O kayong tumatapak sa nangangailangan, upang inyong puksain ang mapagpakumbaba sa lupain, na sinasabi, "Kailan matatapos ang bagong buwan, upang tayo'y makapagbili ng butil? at ang Sabbath, upang ating mabuksan ang bilihan ng trigo, upang ating mapaliit ang efa, at mapalaki ang siklo, at gumawa ng pandaraya sa pamamagitan ng maling timbangan; upang ating mabili ng pilak ang dukha, at ng isang pares na sandalyas ang nangangailangan, at maipagbili ang ipa ng trigo?" Ang PANGINOON ay sumumpa sa pamamagitan ng kapalaluan ng Jacob: "Tunay na hindi ko kalilimutan kailanman ang alinman sa kanilang mga gawa. Hindi ba manginginig ang lupain dahil dito, at mananaghoy ang bawat tumatahan doon? Oo, lahat ng ito ay tataas na gaya ng Nilo, at tatangayin ng alon at lulubog uli, gaya ng Nilo ng Ehipto?" "At sa araw na iyon," sabi ng Panginoong DIYOS, "aking palulubugin ang araw sa katanghaliang-tapat, at aking padidilimin ang lupa sa maliwanag na sikat ng araw. At aking papalitan ng panangis ang inyong mga kapistahan, at lahat ng inyong awit ay magiging panaghoy; at ako'y maglalagay ng damit-sako sa lahat ng balakang, at pagkakalbo sa bawat ulo; at gagawin ko iyon na gaya ng pagtaghoy sa isang bugtong na anak, at ang wakas niyon ay gaya ng mapait na araw. "Ang mga araw ay dumarating," sabi ng Panginoong DIYOS, taggutom sa lupain, hindi taggutom sa tinapay, o pagkauhaw sa tubig, kundi sa pakikinig sa mga salita ng PANGINOON. At sila'y lalaboy mula sa dagat hanggang sa dagat, at mula sa hilaga hanggang sa silangan; sila'y tatakbo ng paroo't parito upang hanapin ang salita ng PANGIOON, at hindi nila ito matatagpuan. "Sa araw na iyon ay manlulupaypay sa uhaw ang magagandang birhen at ang mga binata. Silang sumumpa sa pamamagitan ng Ashimah ng Samaria, at nagsasabi, 'Habang buhay ang diyos mo, O Dan;' at, 'Habang buhay ang daan ng Beer-seba;' sila'y mabubuwal, at kailanma'y hindi na makakabangon." Nakita ko ang PANGINOON na nakatayo sa tabi ng dambana, at kanyang sinabi: "Hampasin mo ang mga kapitel, upang ang mga tuntungan ay mauga; at basagin mo sila sa ulo nilang lahat, at aking papatayin ng tabak ang nalabi sa kanila; hindi sila magkakaroon ng takas na makakaalis, o sinuman na makakatakas. "Bagaman sila'y humukay hanggang sa Sheol, mula roo'y kukunin sila ng aking kamay; bagaman sila'y umakyat hanggang sa langit, mula roo'y ibababa ko sila. At bagaman sila'y magtago sa tuktok ng Carmel, mula roo'y hahanapin ko sila at kukunin, at bagaman sila'y magkubli sa aking paningin sa kailaliman ng dagat, mula roo'y uutusan ko ang ahas, at tutuklawin sila niyon. At bagaman sila'y mapunta sa pagkabihag sa harapan ng kanilang mga kaaway, doon ay aking uutusan ang tabak, at papatayin sila niyon. at aking itititig ang aking mga mata sa kanila sa ikasasama, at hindi sa ikabubuti." Ang Panginoon, ang DIYOS ng mga hukbo, na siyang humihipo ng lupain at natutunaw, at lahat ng naninirahan doon ay tatangis; at lahat niyon ay tumataas na gaya ng Nilo, at lulubog uli, na gaya ng Nilo ng Ehipto; siya na gumagawa ng kanyang mga silid sa langit, at inilagay ang kanyang pabilog na bubong sa lupa; siya na tumatawag ng tubig sa dagat at ibinubuhos ang mga iyon sa ibabaw ng lupa — PANGINOON ang kanyang pangalan. "Di ba kayo'y parang mga anak ng Etiopia para sa akin, O mga anak ni Israel?" sabi ng PANGINOON. "Hindi ko ba pinaahon ang Israel mula sa lupain ng Ehipto, at ang mga Filisteo, mula sa Caftor, at ang mga taga-Siria mula sa Chir? Ang mga mata ng Panginoong DIYOS ay nasa makasalanang kaharian, at wawasakin ko iyon mula sa ibabaw ng lupa; gayunman hindi ko lubos na wawasakin ang sambahayan ni Jacob," sabi ng PANGINOON. "Sapagkat narito, ako'y mag-uutos, at aking liligligin ang sambahayan ni Israel sa gitna ng lahat ng bansa, gaya ng pagliliglig sa pamamagitan ng isang bithay, subalit hindi malalaglag sa lupa ang pinakamaliit na butil. Lahat ng makasalanan sa aking bayan ay mamamatay sa pamamagitan ng tabak, sila na nagsasabi, 'Ang kasamaan ay hindi aabot sa atin o sasalubong sa atin.' "Sa araw na iyon ay ibabangon ko ang tabernakulo ni David na bumagsak, at lalagyan ko ng bakod ang mga sira niyon; at ibabangon ko ang mga guho niyon,' at muli kong itatayo na gaya ng mga araw nang una; upang kanilang angkinin ang nalabi ng Edom, at ang lahat ng bansa na tinatawag sa aking pangalan," sabi ng PANGINOON na gumagawa nito. "Ang mga araw ay dumarating," sabi ng PANGINOON," na aabutan ng nag-aararo ang nag-aani, at ng tagapisa ng ubas ang nagtatanim ng binhi; ang mga bundok ay magpapatulo ng matamis na alak, at lahat ng mga burol ay matutunaw. At aking ibabalik ang kapalaran ng aking bayang Israel, at kanilang muling itatayo ang mga wasak na bayan, at titirahan nila iyon, at sila'y magtatanim ng ubasan, at iinom ng alak niyon; gagawa rin sila ng mga halamanan, at kakain ng bunga ng mga iyon. At aking ilalagay sila sa kanilang lupain; at hindi na sila palalayasin pa sa kanilang lupain, na ibinigay ko sa kanila," sabi ng PANGINOON mong Diyos. Ang pangitain ni Obadias. Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS tungkol sa Edom: Kami ay nakarinig ng mga balita mula sa PANGINOON, at isang sugo ang ipinadala sa mga bansa: "Bumangon kayo! Tumindig tayo laban sa kanya sa pakikipagdigma!" Narito, gagawin kitang maliit sa mga bansa; ikaw ay lubhang hinahamak. Dinaya ka ng kapalaluan ng iyong puso, ikaw na naninirahan sa mga bitak ng bato, na ang tahanan ay matayog na nagsasabi sa iyong puso, "Sinong magbababa sa akin sa lupa?" Bagaman ikaw ay nagtatayo nang mataas na parang agila, bagaman inilalagay mo ang iyong pugad na kasama ng mga bituin, aking ibababa ka mula roon, sabi ng PANGINOON. Kung ang mga magnanakaw ay pumaroon sa iyo, kung ang mga manloloob sa gabi — gaano ka winasak! — di ba sila'y magnanakaw lamang ng sapat sa kanila? Kung ang mga mamimitas ng ubas ay pumaroon sa iyo, di ba sila'y mag-iiwan ng laglag na ubas? O paanong si Esau ay nilooban, hinanap ang kanyang mga kayamanan! Lahat ng lalaking iyong kakampi ay dadalhin ka sa hangganan; ang mga kasamahan mo na kasunod mo ay dadayain ka at dadaigin ka. Ang mga kumakain ng iyong tinapay ay tatambangan ka — walang pagkaunawa sa kanya. Di ko ba lilipulin sa araw na iyon, sabi ng PANGINOON, ang mga taong pantas mula sa Edom, at ang pagkaunawa mula sa bundok ng Esau? At ang iyong mga makapangyarihang tao ay mababalisa, O Teman, upang ang bawat tao ay maalis sa bundok ng Esau sa pamamagitan ng pagkatay. Dahil sa karahasang ginawa sa iyong kapatid na Jacob ay kahihiyan ang tatakip sa iyo, at ikaw ay aalisin magpakailanman. Nang araw na ikaw ay tumayo sa malayo, nang araw na dalhin ng mga dayuhan ang kanyang kayamanan, at pumasok ang mga dayuhan sa kanyang mga pintuan at pinagpalabunutan ang Jerusalem, ikaw ay naging gaya ng isa sa kanila. Huwag ka ngang matuwa sa araw ng iyong kapatid sa araw ng kanyang kapahamakan, huwag kang magalak dahil sa mga anak ni Juda, sa araw ng kanilang pagkawasak; hindi ka sana nagmalaki sa araw ng pagkabalisa. Huwag kang pumasok sa pintuan ng aking bayan sa araw ng kanilang kapahamakan; Oo, huwag kang matuwa sa kanyang pagkapahamak sa araw ng kanilang kasakunaan, huwag kang magnakaw ng kanilang kayamanan sa araw ng kanilang kapahamakan. Huwag kang tumayo sa mga sangandaan upang puksain ang kanyang mga takas; huwag ibilanggo ang kanyang mga nalabi sa araw ng kabalisahan. Sapagkat ang araw ng PANGINOON ay malapit na laban sa lahat ng mga bansa. Kung and ang iyong ginawa, ay siyang gagawin sa iyo; ang iyong gawa ay babalik sa iyong sariling ulo. Sapagkat kung paanong kayo'y uminom sa aking banal na bundok, gayon iinom ang lahat ng mga bansa sa palibot, sila'y iinom, at magpapasuray-suray, at magiging wari bang sila'y hindi nabuhay. Ngunit sa bundok ng Zion ay doroon ang mga nakatakas, at ito ay magiging banal; at aangkinin ng sambahayan ni Jacob ang kanilang sariling ari-arian. At ang sambahayan ni Jacob ay magiging isang apoy, ang sambahayan ni Jose ay isang liyab, ang sambahayan ni Esau ay dayami, at sila'y kanilang susunugin, at sila'y tutupukin; at walang malalabi sa sambahayan ni Esau; sapagkat sinabi ng PANGINOON. Silang nasa Negeb ay mag-aangkin ng Bundok ng Esau, at silang nasa Shefela ay ang lupain ng mga Filisteo; at kanilang aangkinin ang lupain ng Efraim, at ang lupain ng Samaria; at aangkinin ng Benjamin ang Gilead. Ang mga bihag sa Hala na kabilang sa bayan ng Israel ay mag-aangkin ng Fenicia hanggang sa Zarefta; at ang mga bihag ng Jerusalem na nasa Sefarad ay aangkinin ang mga bayan ng Negeb. At ang mga tagapagligtas ay aahon sa Bundok ng Zion upang hatulan ang bundok ng Esau; at ang kaharian ay magiging sa PANGINOON. Ang salita ng PANGINOON ay dumating kay Jonas na anak ni Amitai, na nagsasabi, "Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking lunsod na iyon, at sumigaw ka laban doon; sapagkat ang kanilang kasamaan ay umabot sa harapan ko." Ngunit si Jonas ay bumangon upang tumakas patungo sa Tarsis mula sa harapan ng PANGINOON. Siya'y lumusong sa Joppa at nakatagpo ng barkong patungo sa Tarsis. Nagbayad siya ng pamasahe at lumulan upang sumama sa kanila sa Tarsis papalayo sa harapan ng PANGINOON. Ngunit ang PANGINOON ay naghagis ng malakas na hangin sa dagat, at nagkaroon ng malakas na unos sa dagat, anupa't ang barko ay nagbantang mawasak. Nang magkagayo'y natakot ang mga magdaragat at tumawag ang bawat isa sa kanya-kanyang diyos; at kanilang inihagis sa dagat ang mga dala-dalahang nasa sasakyan upang makapagpagaan sa kanila. Samantala, si Jonas ay nasa ibaba sa pinakaloob na bahagi ng barko na doon ay nakahiga siya at nakatulog nang mahimbing. Sa gayo'y dumating ang kapitan at sinabi sa kanya, "Ano ang ibig mong sabihin, at natutulog ka pa? Bumangon ka, tumawag ka sa iyong diyos! Baka sakaling alalahanin tayo ng diyos upang huwag tayong mamatay." Sinabi nila sa isa't isa, "Pumarito kayo at tayo'y magpalabunutan upang ating malaman kung dahil kanino dumating ang kasamaang ito sa atin." Kaya't nagpalabunutan sila, at ang nabunot ay si Jonas." Nang magkagayo'y sinabi nila sa kanya, "Sabihin mo sa amin, dahil kanino dumating ang kasamaang ito sa atin? Ano ang iyong hanap-buhay? At saan ka nanggaling? Ano ang iyong lupain? Sa anong bayan ka?" Kanyang sinabi sa kanila, "Ako'y isang Hebreo. Ako'y may takot sa PANGINOON, sa Diyos ng langit na gumawa ng dagat at ng tuyong lupain." Nang magkagayo'y lubhang natakot ang mga tao, at sinabi sa kanya, "Ano itong iyong ginawa?" Sapagkat nalaman ng mga tao na siya'y tumatakas mula sa harapan ng PANGINOON, sapagkat sinabi niya sa kanila. At sinabi nila sa kanya, "Anong gagawin namin sa iyo upang ang dagat ay tumahimik sa atin?" Sapagkat ang dagat ay lalong nag-aalimpuyo. Sinabi niya sa kanila, "Buhatin ninyo ako at ihagis ninyo ako sa dagat. Sa gayo'y ang dagat ay tatahimik para sa inyo, sapagkat alam ko na dahil sa akin ay dumating ang malaking unos na ito sa inyo." Gayunman, ang mga lalaki ay sumagwan ng mabuti upang maibalik ang barko sa lupa, ngunit hindi nila magawa sapagkat ang dagat ay lalo pang nag-aalimpuyo laban sa kanila. Kaya't sila'y tumawag sa PANGINOON, at nagsabi, "Nagmamakaawa kami sa iyo, O PANGINOON, huwag mo kaming ipahamak dahil sa buhay ng lalaking ito. Huwag mong iatang sa amin ang walang salang dugo; sapagkat ginawa mo, O PANGINOON, ang nakakalugod sa iyo." Kaya't kanilang binuhat si Jonas at inihagis siya sa dagat; at ang dagat ay tumigil sa pagngangalit nito. Nang magkagayo'y lubhang natakot ang mga tao sa PANGINOON; at sila'y naghandog ng isang alay sa PANGINOON at gumawa ng mga panata. At naghanda ang PANGINOON ng isang malaking isda upang lunukin si Jonas; at si Jonas ay nasa tiyan ng isda sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi. Nang magkagayo'y nanalangin si Jonas sa PANGINOON niyang Diyos mula sa tiyan ng isda, at kanyang sinabi, "Tinawagan ko ang PANGINOON mula sa aking pagdadalamhati, at siya'y sumagot sa akin; mula sa tiyan ng Sheol ako'y sumigaw, at iyong dininig ang aking tinig. Sapagkat inihagis mo ako sa kalaliman, sa pusod ng dagat, At ang tubig ay nasa palibot ko; Ang lahat ng iyong alon at iyong mga daluyong ay umaapaw sa akin. Kaya't aking sinabi, 'Ako'y inihagis mula sa iyong harapan; gayunma'y muli akong titingin sa iyong banal na templo.' Kinukulong ako ng tubig sa palibot. Ang kalaliman ay nasa palibot ko. Ang mga damong dagat ay bumalot sa aking ulo. Ako'y bumaba sa mga ugat ng mga bundok. Ang lupain at ang mga halang nito ay nagsara sa akin magpakailanman. Gayunma'y iniahon mo ang aking buhay mula sa hukay, O PANGINOON kong Diyos. Nang ang aking buhay ay nanlulupaypay, naalala ko ang PANGINOON; at ang aking dalangin ay umabot sa loob ng iyong banal na templo. Ang mga nagpapahalaga sa mga walang kabuluhang diyus-diyosan ay nagtatakwil ng kanilang tunay na katapatan. Ngunit ako'y mag-aalay sa iyo na may tinig ng pasasalamat. Aking tutuparin ang aking ipinanata. Ang pagliligtas ay mula sa PANGINOON!" At inutusan ng PANGINOON ang isda, at iniluwa nito si Jonas sa tuyong lupa. Ang salita ng PANGINOON ay dumating kay Jonas sa ikalawang pagkakataon, na nagsasabi, "Bumangon ka, pumaroon ka sa Ninive, sa malaking lunsod na iyon, at ipangaral mo ang pangaral na aking sinabi sa iyo." Sa gayo'y bumangon si Jonas at pumunta sa Ninive, ayon sa salita ng PANGINOON. Ang Ninive ay isang napakalaking lunsod, na tatlong araw na bagtasin ang luwang. Nagpasimulang pumasok si Jonas sa lunsod na may isang araw na lakarin ang layo. At siya'y sumigaw, "Apatnapung araw pa at ang Ninive ay mawawasak!" At ang mga mamamayan ng Ninive ay sumampalataya sa Diyos. Sila'y nagpahayag ng ayuno, at nag-suot ng damit-sako, mula sa pinakadakila sa kanila hanggang sa pinakahamak sa kanila. Nang ang balita ay dumating sa hari ng Ninive, siya'y tumindig sa kanyang trono, hinubad niya ang kanyang balabal, nagbalot siya ng damit-sako, at naupo sa mga abo. Gumawa siya ng pahayag at ipinalathala sa buong Ninive, "Sa utos ng hari at ng kanyang mga maharlikang tao: Huwag tumikim ng anuman ang tao ni hayop man, ang bakahan ni kawan man. Huwag silang kakain, ni iinom man ng tubig. Kundi magbalot ng damit-sako ang tao at hayop at dumaing nang taimtim sa Diyos upang talikuran ng bawat isa ang kanyang masamang lakad, at ang karahasan na nasa kanilang mga kamay. Sino ang nakakaalam, maaaring umatras at magbago ng isip ang Diyos at tumalikod sa kanyang nagniningas na galit, upang tayo'y huwag mamatay?" Nang makita ng Diyos ang kanilang ginawa, na sila'y humiwalay sa kanilang masamang lakad, nagbago ng isip ang Diyos tungkol sa kasamaan na kanyang sinabing gagawin niya sa kanila; at hindi niya iyon ginawa." Ngunit iyon ay ipinagdamdam nang labis ni Jonas at siya'y nagalit. Siya'y nanalangin sa PANGINOON, at nagsabi, "O PANGINOON, di ba ito ang aking sinabi, nang ako'y nasa aking bayan pa? Kaya nga ako'y nagmadaling tumakas patungo sa Tarsis; sapagkat alam ko na ikaw ay Diyos na mapagpala, mahabagin, hindi kaagad nagagalit, sagana sa tapat na pag-ibig at nalulungkot sa kasamaan. Kaya ngayon, O PANGINOON, ipinapakiusap ko sa iyo na kunin mo ang aking buhay, sapagkat mabuti pa sa akin ang mamatay kaysa mabuhay." Sinabi ng PANGINOON, "Mabuti ba ang iyong ginagawa na magalit?" Nang magkagayo'y lumabas si Jonas sa lunsod, naupo sa dakong silangan ng lunsod, at doo'y gumawa siya ng isang balag. Umupo siya sa ilalim ng lilim niyon, hanggang sa kanyang makita kung ano ang mangyayari sa lunsod. At naghanda ang PANGINOONG Diyos ng isang halaman at pinataas sa itaas ni Jonas, upang maging lilim sa kanyang ulo, upang iligtas siya sa kanyang masamang kalagayan. Sa gayo'y tuwang-tuwa si Jonas dahil sa halaman. Ngunit kinaumagahan nang sumunod na araw, naghanda ang Diyos ng isang uod na siyang sumira sa halaman, kaya't natuyo ito. Nang sumikat ang araw, naghanda ang Diyos ng mainit na hanging silangan; at sinikatan ng araw ang ulo ni Jonas, kaya't siya'y nahilo, at hiniling ng buong kaluluwa niya na siya'y mamatay. Sinabi niya, "Mabuti pa sa akin ang mamatay kaysa mabuhay." Ngunit sinabi ng Diyos kay Jonas, "Mabuti ba ang ginagawa mo na magalit dahil sa halaman?" At kanyang sinabi, "Mabuti ang ginagawa ko na magalit hanggang sa kamatayan." Kaya't sinabi ng PANGINOON, "Ikaw ay nanghinayang sa halaman na hindi mo pinagpaguran o pinatubo man; ito ay tumubo sa isang gabi, at nawala sa isang gabi. Hindi ba ako manghihinayang sa Ninive, sa malaking lunsod na iyon na may mahigit sa isandaan at dalawampung libong katao na hindi nalalaman kung alin sa kanilang mga kamay ang kanan o ang kaliwa, at mayroon ding maraming hayop?" Ang salita ng PANGINOON na dumating kay Mikas na Morastita, sa mga araw nina Jotam, Ahaz, at Hezekias, na mga hari ng Juda, na nakita niya tungkol sa Samaria at Jerusalem. Pakinggan ninyo, kayong mga taong-bayan, kayong lahat, pakinggan mo, O lupa, at ng lahat ng naroon; at ang Panginoong DIYOS ay maging saksi nawa laban sa inyo, ang Panginoon mula sa kanyang banal na templo. Sapagkat narito, ang PANGINOON ay dumarating mula sa kanyang dako, at siya'y bababa at lalakad sa matataas na dako ng lupa. At ang mga bundok ay matutunaw sa ilalim niya, at ang mga libis ay mabibiyak, na parang pagkit na malapit sa apoy, parang tubig na ibinuhos mula sa isang mataas na lugar. Lahat ng ito'y dahil sa pagsuway ng Jacob, at dahil sa mga kasalanan ng sambahayan ni Israel. Ano ang pagsuway ng Jacob? Hindi ba ang Samaria? At ano ang kasalanan ng sambahayan ng Juda? Hindi ba ang Jerusalem? Kaya't gagawin ko ang: Samaria na parang bunton sa parang, isang lugar upang taniman ng ubasan; at aking ibubuhos ang kanyang mga bato sa libis, at aking ililitaw ang kanyang mga pundasyon. Lahat ng kanyang larawang inanyuan ay dudurugin, ang lahat ng kanyang mga upa ay susunugin, at ang lahat ng kanyang diyus-diyosan ay aking sisirain; sapagkat kung paanong tinipon niya ang mga upa ng isang masamang babae ay muling gagamitin ang mga upa ng masamang babae. Dahil dito tataghoy ako at tatangis, ako'y aalis na nakayapak at hubad; ako'y uungol na parang asong-gubat at tatangis na gaya ng mga buwitre. Sapagkat ang kanyang mga sugat ay walang lunas; at ito'y dumating sa Juda; ito'y umabot hanggang sa pintuan ng aking bayan, hanggang sa Jerusalem. Huwag ninyo itong sabihin sa Gat" huwag kayong tumangis, sa Belhle-Aphra ay gumulong kayo sa alabok. Dumaan ka, O mamamayan ng Saphir, sa kahubaran at kahihiyan; ang mamamayan ng Zaanan ay hindi lumalabas; ang taghoy ng Bet-esel ay mag-aalis sa iyo ng kanyang dakong kinatatayuan. Sapagkat ang mga mamamayan ng Maroth ay balisang naghihintay ng mabuti, sapagkat ang kasamaaa ay bumaba mula sa PANGINOON hanggang sa pintuan ng Jerusalem. Isingkaw mo ang kabayo sa karwahe, mga mamamayan ng Lakish; kayo ang pasimula ng kasalanan sa anak na babae ng Zion: sapagkat sa iyo ay natagpuan ang pagsuway ng Israel. Kaya't ikaw ay magbibigay ng kaloob ng pamamaalam sa Moreshet-gat; ang mga bahay sa Achzib ay magiging mapandayang bagay sa mga hari ng Israel. Muli akong magdadala sa iyo ng mananakop, O naninirahan sa Maresha, ang kaluwalhatian ng Israel ay darating sa Adullam. Magpakalbo ka, at pagupit ka para sa mga anak ng iyong kaluguran; magpakalbo kang gaya ng agila; sapagkat sila'y patungo sa pagkabihag mula sa iyo. Kahabag-habag sila na nagbabalak ng kasamaan, at gumagawa ng kasamaan sa kanilang mga higaan! Kapag dumating ang umaga, ay ginagawa nila ito, sapagkat ito'y nasa kapangyarihan ng kanilang kamay. Sila'y nag-iimbot ng mga bukid, at kanilang kinakamkam; at ng mga bahay at kanilang kinukuha; at kanilang inaapi ang isang tao at ang kanyang sambahayan, ang tao at ang kanyang mana. Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON: Laban sa angkang ito ay nagbabalak ako ng kasamaan na doo'y hindi ninyo maaalis ang inyong mga leeg, ni makalalakad man na may kahambugan; sapagkat iyon ay magiging isang masamang panahon. Sa araw na iyon ay aawit ako nang pagtuya laban sa inyo, at mananaghoy ng mapait na panaghoy, at sasabihin, "Kami ay lubos na nasira; kanyang binabago ang bahagi ng aking bayan; ano't inilalayo niya sa akin! Kanyang binabahagi ang aming mga bukid sa mga bumihag sa amin." Kaya't mawawalan ka na ng maghahagis ng pisi sa pamamagitan ng palabunutan sa kapulungan ng PANGINOON. "Huwag kayong mangaral" — ganito sila nangangaral — "walang dapat mangaral ng gayong mga bagay; hindi tayo aabutan ng kahihiyan." Ito ba ay dapat sabihin, O sambahayan ni Jacob, Ang pagtitiis ba ng PANGINOON ay ubos na? Ang mga ito ba ang kanyang mga gawa? Di ba ang aking mga salita ay gumagawa ng mabuti sa lumalakad nang matuwid? Kamakailan ang aking bayan ay bumangon na gaya ng isang kaaway: inyong hinubaran ng kasuotan ang mga walang malay na nagdaraan, na galing sa digmaan. Ang mga babae ng aking bayan ay inyong pinalalayas sa kanilang masasayang bahay; mula sa kanilang mga bata ay inyong inaalis ang aking kaluwalhatian magpakailanman. Bumangon kayo at humayo, sapagkat hindi ito lugar na pahingahan; dahil sa karumihan na lumilipol sa pamamagitan ng malubhang pagkawasak. Kung ang isang tao ay lumalakad at nagsasalita ng hangin at kasinungalingan, na nagsasabi, "Ako'y mangangaral sa iyo tungkol sa alak at matapang na inumin." Siya ang magiging tagapagsalita para sa bayang ito! Tiyak na titipunin ko kayong lahat, O Jacob, aking titipunin ang nalabi ng Israel; akin silang ilalagay na magkakasama na parang mga tupa sa isang kulungan, na parang kawan sa pastulan nito, isang maingay na pulutong ng mga tao. Nangunguna sa kanila ang nagbubukas ng daan; sila'y lalampas at daraan sa pintuan at lalabas doon. Ang kanilang hari ay daraan sa harapan nila, at ang PANGINOON ang nasa unahan nila. At aking sinabi, Pakinggan ninyo, kayong mga pinuno ng Jacob, at mga pinuno ng sambahayan ni Israel! Hindi ba para sa inyo na malaman ang katarungan? Kayong napopoot sa mabuti at umiibig sa kasamaan; na tumutuklap ng balat ng aking bayan, at ng kanilang laman sa kanilang mga buto; na kumakain ng laman ng aking bayan, at lumalapnos ng kanilang balat, at pinagpuputul-putol ang kanilang mga buto, at tinatadtad ang mga ito na gaya ng karne sa kaldero, gaya ng laman sa isang kawa. Kung magkagayo'y dadaing sila sa PANGINOON, ngunit sila'y hindi niya sasagutin; kanyang ikukubli ang kanyang mukha sa kanila sa panahong iyon, sapagkat kanilang pinasama ang kanilang mga gawa. Ganito ang sabi ng PANGINOON tungkol sa mga propeta na nagliligaw sa aking bayan; na nagsisisigaw ng, "Kapayapaan"; kapag sila'y may makakain, ngunit naghayag ng pakikidigma laban sa kanya na hindi naglagay ng anuman sa kanilang mga bibig. Kaya't magiging gabi sa inyo, na hindi kayo magkakaroon ng pangitain; at kadiliman para sa inyo, walang panghuhula. Ang araw ay lulubog sa mga propeta, at ang araw ay magdidilim sa kanila; ang mga tagakita ay mahihiya, at ang mga manghuhula ay mapapahiya, silang lahat ay magtatakip ng kanilang mga labi; sapagkat walang kasagutan mula sa Diyos. Ngunit sa ganang akin, ako'y puspos ng kapangyarihan ng Espiritu ng PANGINOON, at ng katarungan, at ng kapangyarihan, upang ipahayag sa Jacob ang kanyang pagsuway, at sa Israel ang kanyang kasalanan. Pakinggan ninyo ito, kayong mga pinuno ng sambahayan ni Jacob, at mga pinuno sa sambahayan ni Israel, na napopoot sa katarungan, at binabaluktot ang lahat ng katuwiran, na itinatayo ang Zion sa pamamagitan ng dugo, at ang Jerusalem sa pamamagitan ng kamalian. Ang mga pinuno niya'y humahatol dahil sa suhol, at ang mga pari niya'y nagtuturo dahil sa sahod, at ang propeta niya'y nanghuhula dahil sa salapi: gayunma'y sumasandal sila sa PANGINOON, at nagsasabi, "Hindi ba ang PANGINOON ay nasa gitna natin? Walang kasamaang darating sa atin." Kaya't dahil sa inyo, ang Zion ay bubungkalin na parang isang bukid, at ang Jerusalem ay magiging mga bunton ng pagkasira, at ang mga bundok ng bahay ay parang matataas na dako sa isang gubat. At nangyari sa mga huling araw, ang bundok ng bahay ng PANGINOON ay itatatag bilang pinakamataas sa mga bundok, at itataas sa mga burol; at ang mga tao'y magpupuntahan doon, at maraming bansa ang darating at magsasabi, "Halikayo, tayo'y umahon patungo sa bundok ng PANGINOON, at sa bahay ng Diyos ni Jacob; upang maituro niya sa atin ang kanyang mga daan, at tayo'y makalakad sa kanyang mga landas." Sapagkat mula sa Zion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ng PANGINOON mula sa Jerusalem. Siya'y hahatol sa gitna ng maraming bayan, at magpapasiya para sa malalakas na bansa sa malayo; at kanilang papandayin ang kanilang mga tabak upang maging sudsod, at ang kanilang mga sibat upang maging karit; ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni magsasanay para sa pakikidigma. Kundi bawat isa'y uupo sa ilalim ng kanyang punong ubas at sa ilalim ng kanyang punong igos; at walang tatakot sa kanila; sapagkat sinalita ng bibig ng PANGINOON ng mga hukbo. Sapagkat ang lahat ng bayan ay lalakad bawat isa sa pangalan ng kanya-kanyang diyos, ngunit tayo'y lalakad sa pangalan ng PANGINOON nating Diyos magpakailanpaman. Sa araw na iyon, sabi ng PANGINOON, titipunin ko ang pilay, at titipunin ko ang mga itinapon, at ang aking mga pinahirapan. Ang pilay ay gagawin kong nalabi; at ang mga itinapon ay isang malakas na bansa; at ang PANGINOON ay maghahari sa kanila sa bundok ng Zion mula ngayon hanggang sa walang hanggan. At ikaw, o tore ng kawan, na burol ng anak na babae ng Zion, ito sa iyo'y darating, ang dating kapangyarihan ay darating, ang kaharian ng anak na babae ng Jerusalem. Ngayo'y bakit ka sumisigaw nang malakas? Wala ka bang hari? Ang iyo bang tagapayo ay namatay, upang ang mga paghihirap ay sumaiyo na gaya ng babaing manganganak? Mamilipit ka at dumaing, O anak na babae ng Zion, na gaya ng babaing manganganak; sapagkat ngayo'y lalabas ka sa lunsod, at maninirahan sa parang, at ikaw ay pupunta sa Babilonia. Ililigtas ka roon, doo'y rutubusin ka ng PANGINOON sa kamay ng iyong mga kaaway. At ngayo'y maraming bansa ang magtitipon laban sa iyo, na nagsasabi, "Hayaan siyang malapastangan, ituon natin ang ating mata sa Zion." Ngunit hindi nila alam ang mga pag-iisip ng PANGINOON, hindi nila nauunawaan ang kanyang panukala, sapagkat kanyang tinipon sila na parang mga bigkis sa giikan. Bumangon ka at gumiik, O anak na babae ng Zion; sapagkat aking gagawing bakal ang iyong sungay, at tanso ang iyong mga kuko; at iyong dudurugin ang maraming bayan, upang iyong italaga sa PANGINOON ang kanilang pakinabang, at ang kanilang kayamanan ay sa Panginoon ng buong lupa. Ngayon ay magtipun-tipon kayo sa mga hukbo, O anak na babae ng mga hukbo, sila'y naglagay ng pagkubkob laban sa atin; kanilang hahampasin ng tungkod ang pisngi ng hukom ng Israel. Ngunit ikaw, Bethlehem sa Efrata, na maliit upang mapabilang sa mga angkan ng Juda, mula sa iyo ay lalabas para sa akin ang isa na magiging pinuno sa Israel; na ang pinagmulan ay mula nang una, mula nang walang hanggan. Kaya't kanyang ibibigay sila hanggang sa panahon na siya na nagdaramdam ay manganak; kung magkagayon ang nalabi sa kanyang mga kapatid ay babalik sa mga anak ni Israel. At siya'y titindig at pakakainin ang kanyang kawan sa lakas ng PANGINOON, sa kamahalan ng pangalan ng PANGINOON niyang Diyos. At sila'y mananatili, sapagkat sa panahong iyon siya'y magiging dakila hanggang sa mga dulo ng lupa. At ang isang ito ay magiging kapayapaan. Kapag ang taga-Asiria ay sumalakay sa ating lupain, at kapag tinapakan niya ang ating mga muog, kung gayon tayo ay maglalagay laban sa kanya ng pitong pastol, at walong pinuno ng mga tao. Kanilang pamumunuan ng tabak ang lupain ng Asiria, at ang lupain ng Nimrod sa mga pasukan niyon, at kanyang ililigtas tayo sa taga-Asiria, kapag siya'y sumalakay sa ating lupain, at kapag siya'y tumapak sa ating nasasakupan. At ang nalabi sa Jacob ay magiging parang hamog na mula sa PANGINOON sa gitna ng maraming bayan, parang ulan sa damo na hindi naghihintay sa tao, ni naghihintay man sa mga anak ng tao. At ang nalabi sa Jacob ay makakasama ng mga bansa, sa gitna ng maraming bayan, parang leon sa gitna ng mga hayop sa gubat, parang batang leon sa gitna ng mga kawan ng mga tupa; na kapag siya'y dumaan, yumapak at lumapa, at walang magligtas. Itataas ang iyong kamay sa iyong mga kaaway, at lilipulin ang lahat ng iyong mga kaaway. At sa araw na iyon, sabi ng PANGINOON, aking aalisin sa iyo ang mga kabayo mo, at aking sisirain ang iyong mga karwahe, at aking wawasakin ang mga lunsod ng iyong lupain, at aking ibabagsak ang lahat ng iyong tanggulan. Aalisin ko ang mga panghuhula sa iyong kamay; at hindi ka na magkakaroon ng mga manghuhula: Aalisin ko ang iyong mga larawang inanyuan at ang iyong mga haligi sa gitna ninyo, at hindi ka na sasamba sa gawa ng iyong mga kamay; at aking bubunutin ang iyong mga Ashera mula sa gitna mo; at aking wawasakin ang iyong mga bayan. Sa galit at poot ay maglalapat ako ng paghihiganti sa mga bansa na hindi nakinig. Pakinggan ninyo ngayon ang sinasabi ng PANGINOON: Bumangon ka, ipaglaban mo ang iyong usapin sa harapan ng mga bundok, at hayaang marinig ng mga burol ang iyong tinig. Pakinggan ninyo, kayong mga bundok, ang usapin ng PANGINOON, at kayong matitibay na pundasyon ng lupa; sapagkat ang PANGINOON ay may usapin laban sa kanyang bayan, at siya'y makikipagtalo sa Israel. "O bayan ko, anong ginawa ko sa iyo? Sa ano kita pinagod? Sagutin mo ako! Sapagkat ikaw ay aking iniahon mula sa lupain ng Ehipto, at tinubos kita mula sa bahay ng pagkaalipin; at aking sinugo sa unahan mo sina Moises, Aaron, at Miriam. O bayan ko, alalahanin mo kung ano ang isinasagawa ni Balak na hari ng Moab, at kung ano ang isinagot sa kanya ni Balaam na anak ni Beor; at kung ano ang nangyari mula sa Shittim hanggang sa Gilgal, upang iyong malaman ang mga matuwid na gawa ng PANGINOON." "Ano ang aking ilalapit sa harapan ng PANGINOON, at iyuyukod sa harap ng Diyos sa kaitaasan? Lalapit ba ako sa harapan niya na may mga handog na sinusunog, na may guyang isang taon ang gulang? Nalulugod ba ang PANGINOON sa mga libu-libong tupa, o sa mga sampung libong ilog ng langis? Ibibigay ko ba ang aking panganay dahil sa aking pagsuway, ang bunga ng aking katawan dahil sa kasalanan ng aking kaluluwa?" Ipinakita niya sa iyo, O tao, kung ano ang mabuti. At ano ang itinatakda ng PANGINOON sa iyo, kundi ang gumawa na may katarungan, at umibig sa kaawaan, at lumakad na may kapakumbabaan na kasama ng iyong Diyos? Ang tinig ng PANGINOON ay sumisigaw sa lunsod isang mainam na karunungan ang matakot sa iyong pangalan; "Pakinggan ninyo, O lipi at ang pagtitipon ng bayan! Mayroon pa kayang mga kayamanan ng kasamaan sa bahay ng masama, at ng kulang na panukat na kasuklamsuklam? Pawawalang-sala ko ba ang taong may masamang, timbangan at may isang supot ng mapandayang panimbang? Sapagkat ang mayayamang tao ng lunsod ay puno ng karahasan; ang kanyang mga mamamayan ay nagsasalita ng mga kabulaanan, at ang kanilang dila ay mandaraya sa kanilang bibig. Kaya't pinasimulan kitang saktan, ginawa kitang wasak dahil sa iyong mga kasalanan. Ikaw ay kakain, ngunit hindi ka mabubusog; at iyong karumihan ay mapapasa gitna mo; ikaw ay magtatabi, ngunit hindi makakapag-ipon; at ang iyong inipon ay aking ibibigay sa tabak. Ikaw ay maghahasik, ngunit hindi ka mag-aani: ikaw ay magpipisa ng mga olibo, ngunit hindi ka magpapahid ng langis sa iyong sarili; ikaw ay magpipisa ng ubas, ngunit hindi ka iinom ng alak. Sapagkat iningatan ang mga tuntunin ni Omri, at ang lahat ng mga gawa ng sambahayan ni Ahab, at kayo'y nagsisilakad sa kanilang mga payo; upang gawin kitang wasak, at ang iyong mamamaya'y hahamakin, at inyong papasanin ang pagkutya ng aking bayan." Kahabag-habag ako! Sapagkat ako'y naging gaya nang tipunin ang mga bunga sa tag-init, gaya nang pulutin ang ubas sa ubasan, walang kumpol na makakain walang unang hinog na bunga ng igos na aking kinasabikan. Ang mabuting tao ay namatay sa lupa, at wala nang matuwid sa mga tao; silang lahat ay nag-aabang upang magpadanak ng dugo; hinuhuli ng bawat isa ang kanyang kapatid sa pamamagitan ng lambat. Ang kanilang mga kamay ay nasa kasamaan upang sikaping isagawa; ang pinuno at ang hukom ay humihingi ng suhol; at ang dakilang tao ay nagsasalita ng masamang pagnanasa ng kanyang kaluluwa, ganito nila ito pinagtatagni-tagni. Ang pinakamahusay sa kanila ay parang dawag; ang pinakamatuwid sa kanila ay gaya ng bakod na tinikan. Ang araw ng kanilang mga bantay, ang araw ng kanilang kaparusahan ay dumating; ngayo'y dumating na ang kanilang pagkalito. Huwag kayong magtitiwala sa kapitbahay; huwag kayong magtiwala sa kaibigan; ingatan mo ang mga pintuan ng iyong bibig sa kanya na humihiga sa iyong sinapupunan, sapagkat lalapastanganin ng anak na lalaki ang ama, ang anak na babae ay titindig laban sa kanyang ina, ang manugang na babae ay laban sa kanyang biyenang babae; ang mga kaaway ng tao ay ang kanyang sariling kasambahay. Ngunit sa ganang akin, ako'y titingin sa PANGINOON; ako'y maghihintay sa Diyos ng aking kaligtasan; papakinggan ako ng aking Diyos. Huwag kang magalak laban sa akin, O aking kaaway; kapag ako'y nabuwal, ako'y babangon; kapag ako'y naupo sa kadiliman, ang PANGINOON ay magiging aking ilaw. Aking papasanin ang galit ng PANGINOON, sapagkat ako'y nagkasala laban sa kanya, hanggang.sa kanyang ipagsanggalang ang aking usapin, at lapatan ako ng hatol. Kanyang ilalabas ako sa liwanag, at aking mamasdan ang kanyang pagliligtas. Kung magkagayo'y makikita ng aking kaaway, at kahihiyan ang tatakip sa kanya na nagsabi sa akin, "Nasaan ang PANGINOON mong Diyos?" Makikita ng aking mga mata ang nais ko sa kanya; siya'y yayapakan na parang putik sa mga lansangan. Isang araw para sa pagtatayo ng iyong mga kuta! Sa araw na iyon ay palalawakin ang iyong hangganan. Sa araw na iyon ay pupunta sila sa iyo mula sa Asiria at sa mga lunsod ng Ehipto, at mula sa Ehipto hanggang sa Ilog, at mula sa dagat hanggang sa dagat, at mula sa bundok hanggang sa bundok. Ngunit masisira ang lupa dahil sa kanila na naninirahan doon, dahil sa bunga ng kanilang mga gawa. Pastulin mo ang iyong bayan sa pamamagitan ng iyong tungkod, ang kawan na iyong mana, na mag-isang naninirahan sa gubat sa gitna ng mabungang lupain; pakainin mo sila sa Basan at sa Gilead, gaya ng mga araw noong una. Gaya ng mga araw nang ikaw ay lumabas sa lupain ng Ehipto ay pagpapakitaan ko sila ng mga kagila-gilalas na bagay. Makikita ng mga bansa at mapapahiya sa lahat nilang kapangyarihan; kanilang ilalagay ang kanilang kamay sa kanilang bibig, ang kanilang mga tainga ay mabibingi. Hihimurin nila ang alabok na parang ahas; gaya ng gumagapang na mga hayop sa lupa; sila'y lalabas na nanginginig mula sa kanilang mga kulungan; sila'y lalapit na may takot sa PANGINOON nating Diyos at sila'y matatakot dahil sa iyo. Sino ang Diyos na gaya mo, na nagpapatawad ng kasamaan, at pinalalampas ang pagsuway ng nalabi sa kanyang mana? Hindi niya pinananatili ang kanyang galit magpakailanman, sapagkat siya'y nalulugod sa tapat na pag-ibig. Siya'y muling mahahabag sa atin; kanyang tatapakan ang ating kasamaan. Kanyang ihahagis ang lahat nating kasalanan sa mga kalaliman ng dagat. Igawad mo ang katotohanan kay Jacob, at tapat na pag-ibig kay Abraham, na iyong isinumpa sa aming mga ninuno mula pa nang unang panahon. lsang pahayag tungkol sa Ninive. Ang aklat ng pangitain ni Nahum na taga-Elkos. Ang PANGINOON ay mapanibughuin at naghihiganting Diyos, ang PANGINOON ay naghihiganti at puno ng poot; ang PANGINOON ay naghihiganti sa kanyang mga kaaway, at siya'y naglalaan ng poot sa kanyang mga kaaway. Ang PANGINOON ay banayad sa galit ngunit may dakilang kapangyarihan, at sa anumang paraan ay hindi pawawalang-sala ng PANGINOON ang nagkasala. Ang kanyang daan ay sa ipu-ipo at sa bagyo, at ang mga ulap ay siyang alabok ng kanyang mga paa. Kanyang sinasaway ang dagat at ito'y tinutuyo, at tinutuyo niya ang lahat ng ilog, ang Basan at Carmel ay natutuyo, at ang bulaklak ng Lebanon ay nalalanta. Ang mga bundok ay nanginginig sa harapan niya, ang mga burol ay natutunaw; ang lupa'y nawawasak sa kanyang harapan, ang sanlibutan at ang lahat ng naninirahan doon. Sino ang makakatayo sa harap ng kanyang galit? Sinong makakatagal sa bangis ng kanyang galit? Ang kanyang poot ay ibinubuhos na gaya ng apoy, at ang malalaking bato ay binabasag niya. Ang PANGINOON ay mabuti, isang muog sa araw ng kaguluhan; at nakikilala niya ang mga nanganganlong sa kanya. Ngunit sa pamamagitan ng umaapaw na baha kanyang lubos na wawakasan ang kanyang mga kaaway, at hahabulin ang kanyang mga kaaway sa kadiliman. Ano ang inyong binabalak laban sa PANGINOON? Siya'y gagawa ng lubos na kawakasan; ang pagdadalamhati ay hindi titindig ng dalawang ulit. Gaya ng mga tinik, sila'y nagkakabuhol-buhol, gaya ng mag-iinom, sila'y naglalasing; gaya ng tuyong dayami, sila'y natutupok. Hindi ba lumabas ang isa sa iyo na nagpanukala ng kasamaan laban sa PANGINOON, at nagpapayo ng masama? Ganito ang sabi ng PANGINOON, "Bagaman sila'y malakas at marami, sila'y puputulin at lilipas. Bagaman pinahirapan kita, hindi na kita pahihirapan pa. At ngayo'y babaliin ko ang kanyang pamatok na nasa iyo, at aking lalagutin ang iyong mga gapos." Ang PANGINOON ay nagbigay ng utos tungkol sa iyo: "Hindi na magpapatuloy ang iyong pangalan, mula sa bahay ng iyong mga diyos ay aking ihihiwalay ang larawang inanyuan at ang larawang hinulma. Aking gagawin ang iyong libingan, sapagkat ikaw ay walang halaga." Narito, nasa ibabaw ng mga bundok ang mga paa niya na nagdadala ng mabubuting balita, na nagpapahayag ng kapayapaan! Ipagdiwang mo ang iyong mga kapistahan, O Juda, tuparin mo ang iyong mga panata; sapagkat ang masama. ay hindi na dadaan pa sa iyo; siya'y lubos na ititiwalag. Ang tagapangalat ay umahon laban sa iyo. Magtalaga ka ng tao sa mga kuta; bantayan mo ang daan, bigkisan mo ang iyong mga balakang, tipunin mo ang lahat mong lakas. Sapagkat ibinabalik ng PANGINOON ang karilagan ng Jacob, gayundin ang karilagan ng Israel, sapagkat hinubaran sila ng mga mandarambong at sinira ang mga sanga ng kanilang mga puno ng ubas. Ang kalasag ng kanyang mga mandirigma ay pula, ang kanyang mga kawal ay nakadamit ng matingkad na pula. Ang mga bakal ng karwahe ay kumikislap nang kanyang inihahanda sa pakikipaglaban; ang mga sibat na abeto ay iwinasiwas. Ang mga karwahe ay humahagibis sa mga lansangan, sila'y paroo't-parito sa mga liwasan; ang mga anyo ng mga ito ay gaya ng mga sulo; ang mga ito'y humahagibis na parang kidlat. Naaalala niya ang kanyang mga pinuno, sila'y natitisod sa kanilang paglakad; sila'y nagmamadali sa pader, ang panakip ay inihanda. Ang mga pintuan ng mga ilog ay bukas, at ang palasyo ay nalansag. At ito'y nakatakda na, siya'y hinubaran at dinala; at ang kanyang mga alilang babae ay nananaghoy na parang huni ng mga kalapati, at dinadagukan ang kanilang mga dibdib. Ang Ninive ay gaya ng lawa ng tubig sa lahat ng mga araw niya, gayon may nagsisitakas, "Tigil! Tigil!"— ngunit walang lumilingon. Samsamin ninyo ang pilak, samsamin ninyo ang ginto! Walang katapusan ang kayamanan, o kayamanan ng bawat mahalagang bagay. Siya'y walang laman, pinabayaan at wasak! Ang mga puso ay nanghihina, at ang mga tuhod ay nanginginig, ang lahat ng mga balakang ay nanginginig, ang lahat ng mga mukha ay namumutla! Nasaan ang yungib ng mga leon, ang pastulan ng mga batang leon, na pinagdadalhan ng leon ng kanyang biktima, na kinaroroonan ng kanyang mga anak, na doo'y walang umaabala sa kanila? Ang leon ay lumalapa nang sapat para sa kanyang mga anak, at lumalapa ng biktima para sa kanyang mga babaing leon; pinupuno niya ang kanyang yungib ng biktima at ang kanyang mga yungib ng nilapang laman. Narito, ako'y laban sa iyo, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, at aking susunugin ang iyong mga karwahe sa usok, at lalamunin ng tabak ang iyong mga batang leon. Kukunin ko ang iyong biktima mula sa lupa, at ang tinig ng iyong mga sugo ay hindi na maririnig pa. Kahabag-habag ang madugong lunsod! punong-puno ng kabulaanan at samsam — at sa kanya'y hindi nawawalan ng biktima! Ang bagsak ng panghagupit, at ang pagragasa ng gulong, nagdadambahang kabayo at lukso ng mga karwahe! Sumusugod ang mga mangangabayo, kumikislap na tabak at kumikinang na sibat, at napakaraming patay, bunton ng mga bangkay, at walang katapusang mga bangkay; sila'y natitisod sa mga bangkay — Ang lahat ay dahil sa di mabilang na pagpapakasama ng bayarang babae, ang maganda at babaing dalubhasa sa pag-eengkanto, na nagbibili ng mga bansa sa pamamagitan ng kanyang pagiging bayarang babae, at ang mga bayan sa pamamagitan ng kanyang mga pag-eengkanto. Narito, ako'y laban sa iyo, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, at aking itataas ang damit mo sa iyong mukha; at ipapakita ko sa mga bansa ang iyong kahubaran at sa mga kaharian ang iyong kahihiyan. Tatapunan kita ng basura at gagawin kitang hamak, at gagawin kang katatawanan. At ang lahat ng titingin sa iyo, ay lalayo sa iyo, at magsasabi, "Ang Ninive ay sira, sinong tataghoy sa kanya?" saan ako hahanap ng mga mang-aaliw para sa iyo? Ikaw ba'y mas mabuti pa sa Noamon na nakaupo sa tabi ng Nilo, na may tubig sa palibot niya; na ang kuta niya'y ang dagat, at ang tubig ay kanyang pader? Ang Etiopia ang kanyang lakas, pati ang Ehipto, at iyon ay walang hangganan; ang Put at Lubim ay kanyang naging mga katulong. Gayunman siya'y ipinatapon, siya'y dinala sa pagkabihag; maging ang kanyang mga anak ay pinagputul-putol sa dulo ng lahat ng mga lansangan; pinagpalabunutan ang kanyang mararangal na tao, at ang lahat ng kanyang mga dakilang tao ay ginapos ng mga tanikala. Ikaw man ay malalasing, ikaw ay itatago, ikaw ay hahanap ng kanlungan mula sa kaaway. Lahat ng iyong kuta ay magiging parang puno ng igos na may unang hinog na mga igos; na kapag inuga ay nalalaglag sa bibig ng kumakain. Narito, ang iyong bayan sila'y mga babae sa gitna mo. Ang mga pintuan ng iyong lupain ay bukas nang maluwang sa iyong mga kaaway; nilamon ng apoy ang iyong mga halang. Umigib ka ng tubig para sa pagkubkob; tibayan mo ang iyong mga muog; pumasok ka sa putikan, magbayo ka sa lusong, hawakan mo ang hulmahan ng tisa! Doon ka sasakmalin ng apoy; tatagpasin ka ng tabak. Lalamunin ka nito na gaya ng balang. Magpakarami kang gaya ng balang: magpakarami kang gaya ng tipaklong! Pinarami mo ang iyong mga mangangalakal nang higit kaysa mga bituin sa langit. Ibinuka ng balang ang kanyang mga pakpak at lumipad na papalayo. Ang iyong mga pinuno ay gaya ng mga tipaklong, at ang iyong mga tagapamahala ay parang kawan ng balang, na dumadapo sa mga bakod sa araw na malamig — kapag ang araw ay sumikat, sila'y nagliliparan, walang nakakaalam kung nasaan sila. Ang iyong mga pastol ay natutulog, O hari ng Asiria; ang iyong mga maharlika ay nahihimbing. Ang iyong bayan ay nakakalat sa mga bundok, at walang magtitipon sa kanila. Walang paggaling ang iyong sakit, ang iyong sugat ay malubha. Lahat ng makabalita sa iyo ay pumapalakpak ng kanilang kamay sa iyo. Sapagkat sino ang kailanma'y nakaligtas sa iyong walang tigil na kalupitan? Ang pahayag ng Diyos na nakita ni propeta Habakuk. O PANGINOON, hanggang kailan ako hihingi ng tulong, at hindi mo papakinggan? O dadaing sa iyo ng "Karahasan!" at hindi ka magliligtas? Bakit mo hinahayaang makita ko ang kamalian, at tingnan ang kasamaan? Ang kasiraan at karahasan ay nasa harapan ko; paglalaban at pagtatalo ay lumilitaw. Kaya't ang batas ay hindi pinapansin, at ang katarungan ay hindi kailanman nangingibabaw. Sapagkat pinaliligiran ng masama ang matuwid; kaya't ang katarungan ay nababaluktot. Magmasid kayo sa mga bansa, at tumingin kayo; mamangha at magtaka. Sapagkat ako'y gumagawa ng isang gawain sa inyong mga araw na hindi ninyo paniniwalaan kapag sinabi sa inyo. Sapagkat narito, aking ginigising ang mga Caldeo, ang malupit at marahas na bansa, na lumalakad sa kaluwangan ng lupa, upang sakupin ang mga tahanang hindi kanila. Sila'y kakilakilabot at nakakatakot; ang kanilang katarungan at karangalan ay mula sa kanilang sarili. Ang kanilang mga kabayo ay matutulin kaysa mga leopardo, higit na mababangis kaysa panggabing asong-gubat at ang kanilang mga mangangabayo ay mabibilis. Ang kanilang mga mangangabayo ay galing sa malayo; sila'y lumilipad na parang agila na nagmamadali upang manakmal. Silang lahat ay dumarating para sa karahasan; na may mukhang pasulong. Kanilang tinitipon ang mga bihag na parang buhangin. Kanilang tinutuya ang mga hari, at ang mga pinuno ay kanilang pinagtatawanan. Kanilang kinukutya ang bawat tanggulan; sapagkat kanilang binubuntunan ang lupa at sinasakop ito. Pagkatapos ay lalampas sila na parang hangin at magpapatuloy, mga taong nagkasala, na ang sarili nilang kapangyarihan ay ang kanilang diyos! Di ba ikaw ay mula sa walang hanggan, O PANGINOON kong Diyos, aking Banal? Kami ay hindi mamamatay. O PANGINOON, iyong itinakda sila sa paghuhukom; at ikaw, O Malaking Bato, ang nagtatag sa kanila upang magtuwid. "Ang iyong mga mata ay malilinis at hindi makakatingin sa kasamaan," at hindi makakatingin sa kamalian, bakit mo minamasdan ang taong masasama, at tumatahimik ka kapag sinasakmal ng masama ang taong higit na matuwid kaysa kanya? Sapagkat ginagawa mo ang mga tao na gaya ng mga isda sa dagat, gaya ng mga gumagapang na bagay na walang namumuno. Kanyang binubuhat silang lahat sa pamamagitan ng bingwit; kanyang hinuhuli sila sa kanyang lambat, at kanyang tinitipon sila sa kanyang panghuli, kaya't siya'y nagagalak at nagsasaya. Kaya't siya'y naghahandog sa kanyang lambat, at nagsusunog ng kamanyang sa kanyang panghuli, sapagkat sa pamamagitan ng mga iyo'y nabubuhay siya sa karangyaan, at ang kanyang pagkain ay sagana. Patuloy ba niyang aalisan ng laman ang kanyang lambat, at walang habag na papatayin ang mga bansa magpakailanman? Ako'y tatayo upang magbantay, at magbabantay ako sa ibabaw ng tore, at tatanaw upang makita ko kung ano ang kanyang sasabihin sa akin, at kung ano ang aking isasagot tungkol sa aking daing. At ang PANGINOON ay sumagot sa akin: "Isulat mo ang pangitain, at gawin mong malinaw sa mga tapyas na bato, upang ang makabasa niyon ay makatakbo. Sapagkat ang pangitain ay naghihintay pa ng panahon nito; at nagsasalita tungkol sa wakas — hindi ito magsisinungaling. Kung ito'y parang mabagal ay hintayin mo; ito'y tiyak na darating, hindi ito maaantala. Masdan mo ang palalo! Hindi tapat sa kanya ang kaluluwa niya, ngunit ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya. Bukod dito ang alak ay mandaraya; ang taong hambog ay hindi mamamalagi sa kanyang tahanan. Ang kanyang nasa ay parang Sheol, at siya'y parang kamatayan na hindi masisiyahan. Kanyang tinitipon para sa kanya ang lahat ng bansa at tinitipon para sa kanya ang lahat ng bayan." Hindi ba ang lahat ng ito ay magsasalita ng kanilang pagtuya at panlilibak laban sa kanya, at kanilang sabihin, "Kahabag-habag siya na nagpaparami ng di kanya— Hanggang kailan ka magpapasan ng mga bagay na mula sa sangla?" Hindi ba biglang tatayo ang iyong mga nagpapautang, at magigising ang mga naniningil sa iyo? Kung gayon ay magiging samsam ka nila. Sapagkat iyong sinamsaman ang maraming bansa, sasamsaman ka ng lahat ng nalabi sa mga tao, dahil sa dugo ng mga tao at sa karahasang ginawa sa lupain, sa mga lunsod at sa lahat ng naninirahan doon. Kahabag-habag siya na may masamang pakinabang para sa kanyang sambahayan, upang kanyang mailagay ang kanyang pugad sa itaas, upang maligtas sa abot ng kapahamakan! Ikaw ay nagbalak ng kahihiyan sa iyong sambahayan, sa pamamagitan ng pagpatay ng maraming tao, ikaw ay nagkasala laban sa iyong sarili. Sapagkat ang bato ay daraing mula sa pader, at ang biga mula sa mga kahoy ay sasagot. Kahabag-habag siya na nagtatayo ng lunsod sa pamamagitan ng dugo, at nagtatatag ng bayan sa pamamagitan ng kasamaan! Hindi ba mula sa PANGINOON ng mga hukbo na ang mga tao ay gumagawa lamang para sa apoy, at ang mga bansa ay nagpapakapagod sa walang kabuluhan? Sapagkat ang lupa ay mapupuno ng kaalaman ng kaluwalhatian ng PANGINOON, gaya ng tubig na tumatakip sa dagat. Kahabag-habag siya na nagpapainom sa kanyang kapwa, na idinadagdag ang iyong kamandag at nilalasing sila, upang iyong mamasdan ang kanilang kahubaran! Ikaw ay mapupuno ng kahihiyan sa halip na kaluwalhatian. Uminom ka, ikaw, at ilantad ang iyong kahubaran! Ang kopa sa kanang kamay ng PANGINOON ay darating sa iyo, at ang kahihiyan ang papalit sa iyong kaluwalhatian! Ang karahasang ginawa sa Lebanon ay tatabon sa iyo, ang pagkawasak sa mga hayop na tumakot sa kanila, dahil sa dugo ng mga tao at sa karahasan sa lupain, sa mga lunsod at sa lahat ng naninirahan doon. Anong pakinabang sa diyus-diyosan pagkatapos na anyuan ito ng gumawa niyon, isang metal na larawan, na tagapagturo ng mga kasinungalingan? Sapagkat ang manggagawa ay nagtitiwala sa kanyang sariling nilalang kapag siya'y gumagawa ng mga piping diyus-diyosan? Kahabag-habag siya na nagsasabi sa kahoy, Gumising ka; sa piping bato, Bumangon ka! Makakapagturo ba ito? Tingnan ninyo, nababalot ito ng ginto at pilak, at walang hininga sa loob niyon. Ngunit ang PANGINOON ay nasa kanyang templong banal; tumahimik ang buong lupa sa harapan niya! Panalangin ni propeta Habakuk ayon sa Shigionot. O PANGINOON, narinig ko ang tungkol sa iyo at ako'y natatakot. O PANGINOON, buhayin mong muli ang iyong mga gawa sa gitna ng mga taon. Sa gitna ng mga taon ay ipaalam mo iyon, sa kapootan ay alalahanin mo ang kaawaan. Ang Diyos ay dumating mula sa Teman, at ang Banal mula sa Bundok ng Paran. (Selah) Ang kanyang kaluwalhatia'y tumakip sa mga langit, at ang lupa'y puno ng kanyang kapurihan. Ang kanyang ningning ay parang liwanag; may mga sinag na nagliliwanag mula sa kanyang kamay; at doo'y ikinubli niya ang kanyang kapangyarihan. Sa unahan niya'y nagpapauna ang peste, at ang salot ay malapit na sumusunod. Siya'y tumayo at sinukat ang lupa. Siya'y tumingin at niliglig ang mga bansa; at ang mga walang hanggang bundok ay nangalat; ang mga burol na walang hanggan ay nagsiyukod. Ang kanyang mga pamamaraan ay walang hanggan. Nakita ko ang mga tolda sa Cusan na nasa pagdadalamhati. Ang mga tabing ng lupain ng Midian ay nanginig. Ang iyo bang poot ay laban sa mga ilog, O PANGINOON? Ang iyo bang galit ay laban sa mga ilog, O ang iyo bang poot ay laban sa dagat, kapag ikaw ay sumasakay sa iyong mga kabayo, sa iyong karwahe ng kaligtasan? Hubad na nilantad mo ang iyong pana, ayon sa panunumpa na tungkol sa iyong salita. (Selah) Iyong nilagyan ng mga ilog ang lupa. Nakita ka ng mga bundok at ang mga ito'y nanginig; ang rumaragasang tubig ay dumaan, ibinigay ng kalaliman ang kanyang tinig, at itinaas nito ang kanyang mga kamay. Ang araw at buwan ay tumigil sa kanilang mataas na lugar, sa liwanag ng iyong mga palaso sila'y umalis, sa kislap ng iyong makinang na sibat. Ikaw ay lumakad na may galit sa mga lupain, iyong tinapakan ang mga bansa sa galit. Ikaw ay lumabas upang iligtas ang iyong bayan, at iligtas ang iyong pinahiran ng langis. Iyong dinurog ang puno ng masamang sambahayan, hinubaran mo siya mula hita hanggang sa leeg. (Selah) Iyong tinusok ang ulo ng kanyang mga mandirigma ng kanyang sariling sibat; na dumating na parang ipu-ipo upang pangalatin ako; ang kanilang kagalakan ay sakmaling lihim ang dukha. Iyong tinapakan ang dagat ng iyong mga kabayo, ang bunton ng makapangyarihang tubig. Aking narinig, at ang aking katawan ay nanginginig, ang aking mga labi ay nangangatal sa tinig; ang kabuluka'y pumapasok sa aking mga buto, ang aking mga hakbang ay nanginginig. Ako'y tahimik na maghihintay sa araw ng kapahamakan, na dumating sa bayan na sumasakop sa atin. Bagama't ang puno ng igos ay hindi namumulaklak, ni magkakaroon man ng bunga sa mga puno ng ubas; ang olibo ay hindi magbubunga, at ang mga bukid ay hindi magbibigay ng pagkain; ang kawan ay aalisin sa kulungan, at hindi na magkakaroon ng bakahan sa mga silungan, gayunma'y magagalak ako sa PANGINOON, ako'y magagalak sa Diyos ng aking kaligtasan. Ang Diyos, ang PANGINOON, ay aking kalakasan; ginagawa niya ang aking mga paa na gaya ng sa mga usa, pinalalakad niya ako sa aking matataas na dako. Sa Punong Manunugtog: na may panugtog na may kuwerdas. Ang salita ng PANGINOON na dumating kay Sefanias na anak ni Cushi, na anak ni Gedalias, na anak ni Amarias, na anak ni Hezekias, nang mga araw ni Josias na anak ni Amon, na hari ng Juda. "Aking lubos na lilipulin ang lahat ng bagay sa ibabaw ng lupa," sabi ng PANGINOON. "Aking pupuksain ang tao at ang hayop; lilipulin ko ang mga ibon sa himpapawid, at ang mga isda sa dagat, at ang katitisuran kasama ang masasama; aking aalisin ang sangkatauhan sa ibabaw ng lupa," sabi ng PANGINOON. "Aking iuunat ang aking kamay laban sa Juda, at laban sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem; at aking aalisin mula sa lugar na ito ang nalabi ni Baal, at ang mga pangalan ng mga paring sumasambasa diyus-diyosan kasama ang mga pari; yaong mga yumuyukod sa mga bubungan sa mga bagay na nasa kalangitan; sa mga yumuyukod at sumusumpa rin sa PANGINOON at gayunma'y sumusumpa sa pangalan ni Malcam; at iyong mga tumalikod mula sa pagsunod sa PANGINOON; at ang mga hindi hinanap ang PANGINOON, ni sumangguni man sa kanya." Tumahimik ka sa harapan ng Panginoong DIYOS! Sapagkat ang araw ng PANGINOON ay malapit na; sapagkat inihanda ng PANGINOON ang isang handog, at itinalaga ang kanyang mga panauhin. At sa araw ng paghahandog sa PANGINOON — "Aking parurusahan ang mga pinuno, at ang mga anak ng hari, at ang lahat na nagsusuot ng damit ng dayuhan. At sa araw na iyon ay aking parurusahan ang lahat ng lumulukso sa pasukan, na pinupuno ang bahay ng kanilang panginoon ng karahasan at pandaraya." "At sa araw na iyon," sabi ng PANGINOON, "maririnig ang panaghoy mula sa Pintuang Isda, ang pananambitan mula sa Ikalawang Bahagi, ang isang malakas na lagapak mula sa mga burol. Managhoy kayo, kayong mga naninirahan sa Mortar! Sapagkat ang buong bayan ng Canaan ay nalansag; lahat ng nagtitimbang ng pilak ay inalis. At sa panahong iyon, ang Jerusalem ay sisiyasatin ko sa pamamagitan ng ilawan, at aking parurusahan ang mga tao na nagsisiupo sa kanilang mga latak, na nagsasabi sa kanilang puso, 'Ang PANGINOON ay hindi gagawa ng mabuti, ni gagawa man siya ng masama.' At ang kanilang kayamanan ay nanakawin, at ang kanilang mga bahay ay gigibain. Bagaman, sila'y nagtatayo ng mga bahay, hindi nila titirahan ang mga iyon; bagaman sila'y nagtatanim ng ubasan, hindi sila iinom ng alak niyon." Ang dakilang araw ng PANGINOON ay malapit na, malapit na at napakabilis na dumarating, ang tinig ng araw ng PANGINOON ang makapangyarihang tao ay sumisigaw nang may kapaitan roon. Ang araw na iyon ay araw ng pagkapoot, araw ng kaguluhan at kahapisan, araw ng pagkawasak at pagkasira, araw ng kadiliman at kalumbayan, araw ng mga ulap at makapal na kadiliman, araw ng tunog ng tambuli at ng hudyat ng digmaan, laban sa mga lunsod na may muog, at laban sa mataas na kuta. At aking dadalhan ng kahapisan ang mga tao, upang sila'y lumakad na parang mga bulag, sapagkat sila'y nagkasala laban sa PANGINOON; at ang kanilang dugo ay ibubuhos na parang alabok, at ang kanilang laman ay parang dumi. Kahit ang kanilang pilak o ang kanilang ginto man ay hindi makakapagligtas sa kanila sa araw ng poot ng PANGINOON. Sa apoy ng kanyang naninibughong poot ang buong lupa ay matutupok; sapagkat isang ganap at biglang paglipol ang kanyang gagawin, sa lahat ng naninirahan sa daigdig. Sama-sama kayong pumarito at magtipon, O bansang walang kahihiyan; bago ang utos ay lumabas, ang araw ay dadaang parang ipa, bago dumating sa inyo ang mabangis na galit ng PANGINOON, bago dumating sa inyo ang araw ng poot ng PANGINOON. Hanapin ninyo ang PANGINOON, kayong lahat na mapagpakumbaba sa lupain, na sumusunod sa kanyang mga utos; hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kapakumbabaan, maaaring kayo'y maitago sa araw ng poot ng PANGINOON. Sapagkat ang Gaza ay pababayaan, at ang Ascalon ay magigiba; palalayasin ang mamamayan ng Asdod sa katanghaliang-tapat, at ang Ekron ay mabubunot. Kahabag-habag ang mga naninirahan sa baybayin ng dagat, ikaw na bansa ng mga Kereteo! Ang salita ng PANGINOON ay laban sa iyo, O Canaan, lupain ng mga Filisteo; aking wawasakin ka, hanggang maubos ang lahat ng mamamayan. At ikaw, o baybayin ng dagat ay magiging pastulan, kaparangan para sa mga pastol, at mga kulungan para sa mga kawan. At ang baybayin ay magiging pag-aari ng nalabi sa sambahayan ni Juda; na iyon ay kanilang pagpapastulan, at sa mga bahay sa Ascalon ay mahihiga sila sa gabi. Sapagkat dadalawin sila ng PANGINOON nilang Diyos, at ibabalik mula sa kanilang pagkabihag. "Aking narinig ang panunuya ng Moab, at ang panglalait ng mga anak ni Ammon, kung paanong tinuya nila ang aking bayan, at nagmalaki sila laban sa kanilang nasasakupan. Kaya't habang buhay ako," sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel, "ang Moab ay magiging parang Sodoma, at ang mga anak ni Ammon ay parang Gomorra, isang lupaing pag-aari ng mga dawag at tambakan ng asin, at isang pagkasira magpakailanman. Sila'y sasamsaman ng nalabi sa aking bayan, at sila'y aangkinin ng nalabi sa aking bansa." Ito ang kanilang magiging kapalaran kapalit ng kanilang pagmamataas, sapagkat sila'y nanlibak at nagmalaki laban sa bayan ng PANGINOON ng mga hukbo. Ang PANGINOON ay magiging kakilakilabot laban sa kanila; oo, kanyang gugutumin ang lahat ng diyos sa lupa; at sa kanya ay yuyukod, bawat isa sa kanya-kanyang dako, ang lahat ng pulo ng mga bansa. Kayo rin, O mga taga-Etiopia, kayo'y papatayin sa pamamagitan ng aking tabak. At kanyang iuunat ang kanyang kamay laban sa hilaga, at gigibain ang Asiria, at ang Ninive ay sisirain, at tutuyuing gaya ng ilang. At ang mga bakahan ay hihiga sa gitna niyon, lahat ng hayop ng mga bansa, ang pelikano at gayundin ang kuwago ay maninirahan sa kanyang mga kabisera, ang kanilang tinig ay huhuni sa bintana, ang kasiraan ay darating sa mga pasukan; sapagkat ang kanyang mga yaring kahoy na sedro ay masisira. Ito ang masayang bayan na naninirahang tiwasay, na nagsasabi sa sarili, "Ako nga, at walang iba liban sa akin." Siya'y naging wasak, naging dakong higaan para sa mababangis na hayop! Bawat dumaraan sa kanya ay sumusutsot at ikinukumpas ang kanyang kamay. Kahabag-habag siya na marumi, nadungisan at mapang-aping lunsod! Siya'y hindi nakinig sa tinig ninuman; siya'y hindi tumanggap ng pagtutuwid. Siya'y hindi nagtiwala sa PANGINOON; siya'y hindi lumapit sa kanyang Diyos. Ang mga pinunong kasama niya ay mga leong umuungal; ang mga hukom niya ay mga asong ligaw sa gabi; sila'y walang inilalabi hanggang sa kinaumagahan. Ang kanyang mga propeta ay walang kabuluhan at mga taksil; nilapastangan ng kanyang mga pari ang bagay na banal, sila'y nagsigawa ng karahasan sa kautusan. Ang PANGINOON sa gitna niya ay matuwid; siya'y hindi gumagawa ng mali; tuwing umaga'y kanyang ipinapakita ang kanyang katarungan, siya'y hindi nagkukulang bawat madaling-araw; ngunit walang kahihiyan ang di-matuwid. "Ako'y nag-alis ng mga bansa; ang kanilang mga kuta ay sira. Aking winasak ang kanilang mga lansangan, na anupa't walang dumaraan sa mga iyon; ang kanilang mga lunsod ay giba, kaya't walang tao, walang naninirahan. Aking sinabi, Tiyak na ikaw ay matatakot sa akin, siya'y tatanggap ng pagtutuwid; sa gayo'y ang kanyang tahanan ay hindi mahihiwalay ayon sa aking itinakda sa kanya.' Ngunit sila'y lalong naging masigasig na pasamain ang lahat nilang mga gawa." "Kaya't hintayin ninyo ako," sabi ng PANGINOON, "sa araw na ako'y bumangon bilang saksi. Sapagkat ang aking pasiya ay tipunin ang mga bansa, upang aking matipon ang mga kaharian, upang maibuhos ko sa kanila ang aking galit, lahat ng init ng aking galit; sapagkat ang buong lupa ay tutupukin, ng apoy ng aking naninibughong poot. "Oo, sa panahong iyon ay babaguhin ko ang pananalita ng mga tao, upang maging dalisay na pananalita, upang silang lahat ay makatawag sa pangalan ng PANGINOON; at paglingkuran siya na may pagkakaisa. Mula sa kabila ng mga ilog ng Etiopia, ang mga sumasamba sa akin, ang anak na babae na aking pinapangalat, ay magdadala ng handog sa akin. "Sa araw na iyon ay hindi ka mapapahiya ng dahil sa mga gawa, na iyong ipinaghimagsik laban sa akin; sapagkat kung magkagayon aking aalisin sa gitna mo ang iyong mga taong nagsasayang may pagmamataas, at hindi ka na magmamalaki pa sa aking banal na bundok. Sapagkat aking iiwan sa gitna mo ang isang mapagpakumbaba at maamong bayan. Sila'y manganganlong sa pangalan ng PANGINOON, Ang mga nalabi sa Israel ay hindi gagawa ng kasamaan, ni magsasalita man ag mga kasinungalingan; ni matatagpuan man ang isang mandarayang dila sa kanilang bibig. sapagkat sila'y manginginain at hihiga, at walang tatakot sa kanila." Umawit ka nang malakas, O anak na babae ng Zion; sumigaw ka, O Israel! Ikaw ay matuwa at magalak nang buong puso, O anak na babae ng Jerusalem! Inalis ng PANGINOON ang mga hatol laban sa iyo, kanyang iwinaksi ang iyong mga kaaway. Ang Hari ng Israel, ang PANGINOON, ay nasa gitna mo; hindi ka na matatakot pa sa kasamaan. Sa araw na iyon ay sasabihin sa Jerusalem; "Huwag kang matakot; O Zion, huwag manghina ang iyong mga kamay. Ang PANGINOON mong Diyos ay nasa gitna mo, isang mandirigma na nagbibigay ng tagumpay; siya'y magagalak sa iyo na may kagalakan; siya'y tatahimik sa kanyang pag-ibig; siya'y magagalak sa iyo na may malakas na awitan, aking pipisanin ang namamanglaw dahil sa takdang kapistahan. "Sila'y nagmula sa iyo, aalisin ang kakutyaan sa kanya. Narito, sa panahong iyon ay aking parurusahan ang lahat ng mga umaapi sa iyo. At aking ililigtas ang pilay at titipunin ang pinalayas; at aking papalitan ng kapurihan ang kanilang kahihiyan, at kabantugan sa buong daigdig. Sa panahong iyon kayo'y aking ipapasok, sa panahon na kayo'y aking tinitipon; oo, aking gagawin kayong bantog at pinupuri ng lahat ng mga bayan sa daigdig, kapag ibinalik ko ang inyong mga kapalaran sa harapan ng inyong paningin," sabi ng PANGINOON. Nang ikalawang taon ni Haring Dario, nang unang araw! ng ikaanim na buwan, dumating ang salita ng PANGINOON sa pamamagitan ni propeta Hagai kay Zerubabel na anak ni Sealtiel, na gobernador ng Juda, at kay Josue na anak ni Jehozadak, na pinakapunong pari: "Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: sinasabi ng bayang ito na hindi pa dumarating ang panahon, upang muling itayo ang bahay ng PANGINOON." Nang magkagayo'y dumating ang salita ng PANGINOON sa pamamagitan ni propeta Hagai. "Panahon ba para sa inyong mga sarili na manirahan sa inyong mga bahay na may kisame, samantalang ang bahay na ito ay nananatiling wasak? Ngayo'y ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: Pag-isipan ninyo ang inyong mga lakad. Kayo'y naghasik ng marami ngunit umaani ng kaunti; kayo'y kumakain, ngunit hindi kayo nabubusog; kayo'y umiinom, ngunit hindi kayo nasisiyahan; kayo'y nagdaramit, ngunit walang naiinitan; at kayong tumatanggap ng sahod ay tumatanggap ng sahod upang ilagay sa supot na may mga butas. "Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: Pag-isipan ninyo ang inyong mga lakad. Umahon kayo sa bundok, kumuha kayo ng kahoy, at itayo ninyo ang bahay upang kalugdan ko iyon at ako'y luwalhatiin, sabi ng PANGINOON. Kayo'y naghanap ng marami, at nakakita ng kaunti; at nang inyong dalhin sa bahay, iyon ay aking hinipan. Bakit? sabi ng PANGINOON ng mga hukbo. Dahil sa aking bahay na nananatiling wasak, samantalang tumatakbo ang bawat isa sa inyo sa kanya-kanyang sariling bahay. Kaya't dahil sa inyo pinipigil ng langit na nasa itaas ninyo ang hamog, at ipinagkakait ng lupa ang bunga nito. At ako'y nagpatawag ng tag-tuyot sa lupa, at sa mga burol, sa trigo, sa bagong alak, sa langis, sa mga ibinubunga ng lupa, sa mga tao at sa mga hayop, at sa lahat ng pinagpagalan." Nang magkagayo'y si Zerubabel na anak ni Sealtiel, at si Josue na anak ni Jehozadak, na pinakapunong pari, pati ang lahat ng nalabi sa bayan, ay sumunod sa tinig ng PANGINOON nilang Diyos, at sa mga salita ni propeta Hagai, na siyang sinugo ng PANGINOON nilang Diyos; at ang bayan ay natakot sa harap ng PANGINOON. Nang magkagayo'y nagsalita si Hagai, na sugo ng PANGINOON ayon sa mensahe ng PANGINOON sa bayan, "Ako'y sumasainyo, sabi ng PANGINOON." At kinilos ng PANGINOON ang diwa ni Zerubabel na anak ni Sealtiel, na gobernador ng Juda, at ang espiritu ni Josue na anak ni Jehozadak, na pinakapunong pari, at ang diwa ng buong nalabi sa bayan. Sila'y dumating at ginawa ang bahay ng PANGINOON ng mga hukbo, na kanilang Diyos, nang ikadalawampu't apat na araw ng ikaanim na buwan nang ikalawang taon ni Haring Dario. Nang ikadalawampu't isang araw ng ikapitong buwan, dumating ang salita ng PANGINOON sa pamamagitan ni propeta Hagai, na sinasabi, "Magsalita ka ngayon kay Zerubabel na anak ni Sealtiel, na gobernador ng Juda, at kay Josue na anak ni Jehozadak, na pinakapunong pari, at sa lahat ng nalabi sa bayan, at sabihin mo, 'Sino ang naiwan sa inyo na nakakita sa bahay na ito sa kanyang dating kaluwalhatian? Ano ito ngayon sa tingin ninyo? Hindi ba walang kabuluhan sa inyong paningin? Gayunma'y magpakalakas ka ngayon, O Zerubabel, sabi ng PANGINOON; at magpakalakas ka, O Josue, na anak ni Jehozadak, na pinakapunong pari. Lakasan ninyo ang inyong loob, kayong sambayanan sa lupain, sabi ng PANGINOON. Kayo'y magsigawa, sapagkat ako'y sumasainyo sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ayon sa pangako na aking sinabi sa inyo nang kayo'y lumabas sa Ehipto. Ang aking Espiritu ay naninirahan sa inyo. Huwag kayong matakot. Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: Minsan pa, sa sandaling panahon, aking uugain ang langit at ang lupa, ang dagat at ang tuyong lupa. Aking uugain ang lahat ng mga bansa upang ang kayamanan ng lahat ng mga bansa ay dumating, at aking pupunuin ang bahay na ito ng kaluwalhatian, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo. Akin ang pilak at akin ang ginto, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo. Ang susunod na kaluwalhatian ng bahay na ito ay magiging higit na dakila kaysa dati, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo. Sa dakong ito ay magbibigay ako ng kapayapaan, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo.'" Nang ikadalawampu't apat na araw ng ikasiyam na buwan, nang ikalawang taon ni Dario, dumating ang salita ng PANGINOON sa pamamagitan ni propeta Hagai, na sinasabi, "Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, Itanong ninyo ngayon sa mga pari upang pagpasiyahan ang katanungang ito: 'Kung ang isang tao ay may dalang itinalagang karne sa laylayan ng kanyang damit, ang kanyang laylayan ay makasagi ng tinapay, o nilaga, o alak, o langis, o anumang pagkain, nagiging banal ba ito?'" Sumagot ang mga pari, "Hindi." Nang magkagayo'y sinabi ni Hagai, "Kung ang isang taong marumi dahil sa paghipo sa isang bangkay ay masagi ang alinman sa mga ito,' nagiging marumi ba ito?" Sumagot ang mga pari, "Nagiging marumi iyon." Nang magkagayo'y sumagot si Hagai, at nagsabi, "Gayon ang bayang ito, at gayon ang bansang ito sa harap ko, sabi ng PANGINOON. Gayon ang bawat gawa ng kanilang mga kamay, at ang kanilang inihahandog doon ay marumi. Ngunit ngayon, inyong pakaisipin kung ano ang mangyayari mula sa araw na ito. Bago ipatong ang isang bato sa isa pang bato sa templo ng PANGINOON, mula sa panahong iyon, kapag ang isang tao ay lumalapit sa isang bunton ng dalawampung takal, magkakaroon ng sampu lamang; kapag ang isa ay lumalapit sa pigaan ng alak upang kumuha ng limampung sukat, may dalawampu lamang. Sinalot ko kayo ng pagkalanta at ng amag at ng yelo sa lahat ng gawa ng inyong mga kamay; gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin, sabi ng PANGINOON. Isaalang-alang mula sa araw na ito, mula sa ikadalawampu't apat na araw ng ikasiyam na buwan, mula nang araw na ilagay ang saligan ng templo ng PANGINOON isaalang-alang ninyo. Ang binhi ba'y nasa kamalig pa? O kahit ang puno ng ubas, ang puno ng igos, ang granada, at ang puno ng olibo ay wala pa ring bunga? Gayunman, mula sa araw na ito ay pagpapalain ko kayo." At ang salita ng PANGINOON ay dumating sa ikalawang pagkakataon kay Hagai nang ikadalawampu't apat na araw ng buwan, na sinasabi, "Magsalita ka kay Zerubabel na gobernador ng Juda, at iyong sabihin, Aking uugain ang mga langit at ang lupa; at aking ibabagsak ang trono ng mga kaharian, at aking sisirain ang lakas ng mga kaharian ng mga bansa; at ibubuwal ang mga karwahe at ang mga sumasakay sa mga iyon; at ang mga kabayo at ang mga sakay ng mga iyon ay mahuhulog, ang bawat isa sa pamamagitan ng tabak ng kanyang kasama. Sa araw na iyon, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, kukunin kita, O Zerubabel, na aking lingkod, na anak ni Sealtiel, sabi ng PANGINOON, at gagawin kitang gaya ng singsing na pantatak; sapagkat pinili kita, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo." Nang ikawalong buwan, nang ikalawang taon ni Dario, dumating ang salita ng PANGINOON kay Zacarias na anak ni Berequias, na anak ni Iddo, ang propeta, na sinasabi, "Ang PANGINOON ay galit na galit sa inyong mga ninuno. Kaya't sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: Manumbalik kayo sa akin, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, at ako'y manunumbalik sa inyo, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo. Huwag kayong maging gaya ng inyong mga ninuno, na sa kanila'y sinabi ng mga unang propeta, 'Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, Manumbalik kayo mula sa inyong masasamang lakad, at sa inyong masasamang gawa.' Ngunit hindi nila ako pinakinggan o pinansin man, sabi ng PANGINOON. Ang inyong mga ninuno, nasaan sila? At ang mga propeta, nabubuhay ba sila magpakailanman? Ngunit ang aking mga salita at mga tuntunin na aking iniutos sa aking mga lingkod na mga propeta, hindi ba inabutan ng mga ito ang inyong mga ninuno? Kaya't sila'y nagsisi at nagsabi, 'Kung paano ang inisip na gawin sa amin ng PANGINOON ng mga hukbo, ayon sa aming mga lakad, at ayon sa aming mga gawa, gayon ang ginawa niya sa amin.'" Nang ikadalawampu't apat na araw nang ikalabing-isang buwan, na buwan ng Sebat, nang ikalawang taon ni Dario, dumating ang salita ng PANGINOON kay Zacarias, na anak ni Berequias, na anak ni Iddo, na propeta, na sinasabi: "Nakita ko noong gabi at narito, isang lalaking nakasakay sa isang pulang kabayo! Siya'y nakatayo sa gitna ng mga puno ng mirto na nasa lambak. Sa likuran niya'y may mga kabayong pula, hubero at puti. Nang magkagayo'y aking sinabi, 'O panginoon ko, ano ang mga ito?' At ang anghel na nakipag-usap sa akin ay nagsabi sa akin, Aking ipapakita sa iyo kung anu-ano ang mga ito.' Ang lalaking nakatayo sa gitna ng mga puno ng mirto ay sumagot, Ang mga iyon ang mga sinugo ng PANGINOON upang manmanan ang lupa.' Sila'y sumagot sa anghel ng PANGINOON na nakatayo sa gitna ng mga puno ng mirto, 'Nalibot na namin ang lupa, at narito, ang buong lupa ay mapayapa at tahimik.' Nang magkagayo'y sinabi ng anghel ng PANGINOON, 'O PANGINOON ng mga hukbo, hanggang kailan ka mawawalan ng habag sa Jerusalem at sa mga lunsod ng Juda, na sa kanila'y nagalit ka nitong pitumpung taon?' Ang PANGINOON ay sumagot ng malumanay at nakaaaliw na mga salita sa anghel na nakipag-usap sa akin. Kaya't sinabi sa akin ng anghel na nakipag-usap sa akin, 'Sumigaw ka, Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: Ako'y lubos na naninibugho para sa Jerusalem at sa Zion. Ako'y galit na galit sa mga bansang tiwasay, sapagkat habang kakaunti pa ang aking galit, kanilang ipinagpatuloy ang pagwasak. Kaya't ganito ang sabi ng PANGINOON, Ako'y bumalik sa Jerusalem na may pagkahabag. Ang aking bahay ay matatayo roon, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, at ang pising panukat ay iuunat sa ibabaw ng Jerusalem. Muli kang sumigaw, na iyong sabihin, Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: Ang aking mga lunsod ay muling aapawan ng kasaganaan, at muling aaliwin ng PANGINOON ang Zion, at muling pipiliin ang Jerusalem.'" Aking itinaas ang aking paningin at aking nakita, at narito, apat na sungay! Aking sinabi sa anghel na nakipag-usap sa akin, "Ano ang mga ito?" At siya'y sumagot sa akin, "Ito ang mga sungay na nagpakalat sa Juda, Israel, at sa Jerusalem." Ipinakita sa akin ng PANGINOON ang apat na panday. Nang magkagayo'y sinabi ko, "Ano ang ipinaritong gawin ng mga ito?" Siya'y sumagot, "Ito ang mga sungay na nagpakalat sa Juda, na walang lalaki na nagtaas ng kanyang ulo at ang mga ito'y dumating upang takutin sila, upang ibagsak ang mga sungay ng mga bansa na nagtaas ng kanilang mga sungay laban sa lupain ng Juda upang ito'y pangalatin." Tumingin ako sa itaas at nakita ko at narito, ang isang lalaki na may panukat na pisi sa kanyang kamay. Nang magkagayo'y sinabi ko, "Saan ka pupunta?" Sinabi niya sa akin, "Upang sukatin ang Jerusalem, upang tingnan kung ano ang luwang at haba nito." At narito, ang anghel na nakipag-usap sa akin ay umalis, at isa pang anghel ang dumating upang salubungin siya. Sinabi sa kanya, "Tumakbo ka, sabihin mo sa binatang ito, 'Ang Jerusalem ay titirhan na parang mga nayon na walang mga pader, dahil sa dami ng mga tao at hayop doon. Sapagkat ako ay magiging sa kanya'y isang pader na apoy sa palibot, sabi ng PANGINOON, at ako'y magiging kaluwalhatian sa gitna niya.'" "Hoy! Hoy! Tumakas kayo mula sa lupain ng hilaga, sapagkat ikinalat ko kayo na gaya ng apat na hangin ng kalangitan," sabi ng PANGINOON. Hoy! Tumakas ka na Zion, ikaw na naninirahang kasama ng anak na babae ng Babilonia. Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, pagkatapos na suguin ako ng kanyang kaluwalhatian sa mga bansa na nanamsam sa inyo: Tunay na ang sumaling sa inyo ay sumasaling sa itim ng kanyang mata. "Sapagkat narito, iwawagayway ko ang aking kamay sa kanila, at sila'y magiging samsam sa mga naglilingkod sa kanila. Inyong malalaman na ang PANGINOON ng mga hukbo ang nagsugo sa akin. Umawit ka at magalak, O anak na babae ng Zion, sapagkat narito, ako'y dumarating at ako'y maninirahan sa gitna mo," sabi ng PANGINOON. Maraming bansa ang sasama sa PANGINOON sa araw na iyon, at magiging aking bayan; ako'y maninirahan sa gitna mo at iyong malalaman na ang PANGINOON ng mga hukbo ang siyang nagsugo sa akin sa iyo. Mamanahin ng PANGINOON ang Juda bilang bahagi niya sa banal na lupain at muling pipiliin ang Jerusalem. Tumahimik kayong lahat ng tao sa harapan ng PANGINOON, sapagkat siya'y bumangon na mula sa kanyang banal na tahanan. Pagkatapos, ipinakita niya sa akin si Josue na pinakapunong pari na nakatayo sa harapan ng anghel ng Panginoon, at si Satanas na nakatayo sa kanyang kanan upang paratangan siya. Sinabi ng PANGINOON kay Satanas, "Sawayin ka nawa ng PANGINOON, O Satanas! Ang PANGINOON na pumili sa Jerusalem ay sumaway nawa sa iyo! Di ba ito'y isang gatong na inagaw sa apoy?" Si Josue nga na nakasuot ng maruming damit ay nakatayo sa harapan ng anghel. Sinabi ng anghel sa mga nakatayo sa harapan niya, "Hubarin ninyo ang kanyang maruming kasuotan." Sinabi ng anghel kay Josue, "Tingnan mo, aking inalis ang iyong kasamaan, at dadamitan kita ng magarang kasuotan." Aking sinabi, "Hayaang kanilang lagyan siya ng isang malinis na turbante sa kanyang ulo." Kaya't nilagyan siya ng malinis na turbante sa kanyang ulo at dinamitan siya at ang anghel ng PANGINOON ay nakatayo sa tabi. Tinagubilinan ng anghel ng PANGINOON si Josue, "Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: Kung ikaw ay lalakad sa aking mga daan, at kung iyong susundin ang aking bilin, ikaw ang mamumuno sa aking bahay at mangangasiwa sa aking mga bulwagan. Bibigyan kita ng karapatang makalapit sa mga nakatayo rito. Pakinggan mo ngayon, O Josue na pinakapunong pari, ikaw at ang iyong mga kaibigan na nakaupo sa harapan mo, sapagkat sila'y mga palatandaan ng mga bagay na mangyayari. Ilalabas ko ang aking lingkod na Sanga. Sapagkat, narito, ang bato na aking inilagay sa harapan ni Josue, sa ibabaw ng isang bato na may pitong mata, narito, ako'y mag-uukit ng titik nito," sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, "at aking aalisin ang kasamaan ng lupaing iyon sa loob ng isang araw. Sa araw na iyon," sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, "aanyayahan ng bawat isa sa inyo ang kanyang kapwa sa lilim ng puno ng ubas at ng puno ng igos." Ang anghel na nakipag-usap sa akin ay bumalik at ginising ako, na gaya ng taong ginigising sa pagkakatulog. Sinabi niya sa akin, "Ano ang iyong nakikita?" Aking sinabi, "Ako'y tumingin, at nakita ko, at narito, ang isang ilawan na purong ginto na may mangkok sa ibabaw niyon; may pitong ilawan sa ibabaw niyon, at may pitong tubo sa bawat isa sa mga ilawan na nasa ibabaw niyon. May dalawang puno ng olibo sa tabi niyon, isa sa dakong kanan ng mangkok, at ang isa'y sa dakong kaliwa niyon." Sinabi ko sa anghel na nakipag-usap sa akin, "Ano ang mga ito, panginoon ko?" Nang magkagayo'y sinagot ako ng anghel na nakipag-usap sa akin, "Hindi mo ba nalalaman kung ano ang mga ito?" Aking sinabi, "Hindi, panginoon ko." Sinabi niya sa akin, "Ito ang salita ng PANGINOON kay Zerubabel, na sinasabi: Hindi sa pamamagitan ng lakas, ni ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng aking Espiritu, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo. Ano ka, O malaking bundok? Sa harapan ni Zerubabel ay magiging kapatagan ka; at kanyang ilalagay ang pangunahing bato na may pagsisigawan ng, 'Biyaya, biyaya sa kanya.'" Bukod dito'y dumating sa akin ang salita ng PANGINOON na sinasabi: "Ang mga kamay ni Zerubabel ay siyang naglagay ng pundasyon ng bahay na ito; ang kanyang mga kamay ay siya ring tatapos nito. At malalaman mo na ang PANGINOON ng mga hukbo ay siyang nagsugo sa akin sa inyo. Sapagkat sinong humamak sa araw ng maliliit na bagay? Sapagkat sila'y magagalak, at makikita nila ang batong pabigat sa kamay ni Zerubabel. 'Ang pitong ito'y mga mata ng PANGINOON na nagpaparoo't parito sa buong lupa." At sumagot ako sa kanya, "Ano itong dalawang puno ng olibo sa dakong kanan at kaliwa ng ilawan?" Sa ikalawang pagkakataon ay sumagot ako sa kanya, "Ano itong dalawang sangang olibo na nasa tabi ng dalawang gintong tubo na dinadaluyan ng langis?" Sinabi niya sa akin, "Hindi mo ba nalalaman kung ano ang mga ito?" Aking sinabi, "Hindi, panginoon ko." Nang magkagayo'y sinabi niya, "Ito ang dalawang binuhusan ng langis na nakatayo sa tabi ng Panginoon ng buong lupa." Muli kong itinaas ang aking mga paningin at aking nakita, at narito, isang lumilipad na balumbon! Sinabi niya sa akin, "Ano ang iyong nakikita?" Ako'y sumagot, "Nakikita ko ang isang lumilipad na balumbon. Ang haba nito ay dalawampung siko at ang luwang nito ay sampung siko." Nang magkagayo'y sinabi niya sa akin, "Ito ang sumpa na lumalabas sa ibabaw ng buong lupain; tiyak na ang bawat nagnanakaw ay mahihiwalay sa isang dako ayon doon; at bawat manunumpa na may kasinungalingan ay mahihiwalay sa kabilang dako, ayon doon. Aking isusugo iyon, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ito'y papasok sa bahay ng magnanakaw, at sa bahay ng nanunumpa ng kasinungalingan sa pangalan ko. Ito'y titira sa gitna ng kanyang bahay at uubusin ito, ang mga kahoy at mga bato." Ang anghel na nakipag-usap sa akin ay lumapit at sinabi sa akin, "Itaas mo ang iyong paningin, at tingnan mo kung ano itong dumarating." Aking sinabi, "Ano iyon?" Kanya namang sinabi, "Ito ang efa na dumarating." At kanyang sinabi, "Ito ang kanilang anyo sa buong lupain." At narito, ang tinggang panakip ay itinaas at may isang babaing nakaupo sa gitna ng efa! Kanyang sinabi, "Ito ang Kasamaan." Kanyang itinulak itong pabalik sa gitna ng efa, at ipinatong ang pabigat na tingga sa bunganga niyon. Itinaas ko ang aking paningin, aking nakita, at lumalapit ang dalawang babae! Ang hangin ay nasa kanilang mga pakpak; sila nga'y may mga pakpak na gaya ng mga pakpak ng tagak at kanilang itinaas ang efa sa pagitan ng lupa at langit. Nang magkagayo'y sinabi ko sa anghel na nakikipag-usap sa akin, "Saan nila dadalhin ang efa?" Sinabi niya sa akin, "Sa lupain ng Sinar upang ipagtayo ito ng bahay doon; at kapag ito'y naihanda na, ilalagay ito doon sa patungan nito." Muli kong itinaas ang aking paningin at aking nakita, at narito, lumabas ang apat na karwahe mula sa pagitan ng dalawang bundok; at ang mga bundok ay mga bundok na tanso. Ang unang karwahe ay may mga kabayong pula; ang ikalawa ay mga kabayong itim, ang ikatlo ay may mga kabayong puti; ang ikaapat na karwahe ay mga kabayong kulay abo. Nang magkagayo'y sinabi ko sa anghel na nakipag-usap sa akin, "Ano ang mga ito, panginoon ko?" Ang anghel ay sumagot sa akin, "Ang mga ito ay apat na espiritu ng kalangitan na pumaparoo't parito mula sa harapan ng PANGINOON ng buong lupa. Ang karwahe na may mga kabayong itim ay patungo sa hilagang lupain, ang mga mapuputi ay sumunod sa kanila, ang mga kulay abo ay patungo sa timugang lupain." Nang ang mga malalakas ay lumabas, sila ay nagpipilit na humayo upang libutin ang lupa. Kanyang sinabi, "Sulong, magmanman kayo sa buong lupa." Kaya't sila'y nagmanman sa buong lupa. Siya'y sumigaw sa akin, at nagsalita sa akin na sinasabi: "Narito, silang nagtungo sa hilagang lupain ang nagpatahimik sa aking espiritu sa hilagang lupain." Ang salita ng PANGINOON ay dumating sa akin, na sinasabi: "Kumuha ka mula sa mga bihag, kay Heldai, kay Tobias, at kay Jedias, na dumating sa pagkabihag mula sa Babilonia. Sa araw ding iyon ay pumasok ka sa bahay ni Josias na anak ni Sefanias. Kumuha ka sa kanila ng pilak at ginto, at gawin mong korona at iputong mo sa ulo ni Josue na anak ni Josadak, na pinakapunong pari. Sabihin mo sa kanya, 'Ganito ang sinabi ng PANGINOON ng mga hukbo, "Narito ang lalaking ang pangala'y Sanga: sapagkat siya'y magsasanga sa kanyang dako at itatayo niya ang templo ng PANGINOON. Siya ang magtatayo ng templo ng PANGINOON at siya'y magtataglay ng karangalan, at siya'y uupo at mamumuno sa kanyang trono. At siya'y magiging pari sa kanyang trono at ang payo ng kapayapaan ay nasa pagitan nila."' Ang korona ay magiging pinakaalaala sa templo ng PANGINOON kina Helem, Tobias, Jedias, at Hen na anak ni Sefanias. "Silang nasa malayo ay paparito at magtatayo ng templo ng PANGINOON, at inyong malalaman na ang PANGINOON ng mga hukbo ang siyang nagsugo sa akin sa inyo. Ito'y mangyayari kung inyong masikap na susundin ang tinig ng PANGINOON ninyong Diyos." Nang ikaapat na taon ni Haring Dario, ang salita ng PANGINOON ay dumating kay Zacarias, nang ikaapat na araw ng ikasiyam na buwan ng Chislev. Noon ay sinugo ng mga taga-Bethel sina Sharezer at Regemelec at ang kanilang mga kalalakihan, upang hilingin ang lingap ng PANGINOON, upang magsalita sa mga pari ng bahay ng PANGINOON ng mga hukbo at ang mga propeta, na sinasabi, "Iiyak ba ako at mag-aayuno sa ikalimang buwan, gaya ng aking ginawa nitong maraming taon?" Nang magkagayo'y dumating ang salita ng PANGINOON ng mga hukbo sa akin, na sinasabi, "Sabihin mo sa lahat ng taong lupain at sa mga pari: Nang kayo'y mag-ayuno at tumangis nang ikalima at ikapitong buwan, nitong pitumpung taon, kayo ba'y nag-ayuno para sa akin? Kapag kayo'y kumakain at umiinom, di ba kayo'y kumakain para sa inyong sarili at umiinom para sa inyong sarili? Hindi ba ito ang mga salitang ipinahayag ng PANGINOON sa pamamagitan ng mga unang propeta nang ang Jerusalem ay tinitirhan at nasa kaginhawahan, kasama ang mga bayang nasa palibot nito, at maging noong ang Negeb at Shefela ay tinitirahan?" Ang salita ng PANGINOON ay dumating kay Zacarias na nagsasabi, "Ganito ang sinasabi ng PANGINOON ng mga hukbo, Magbigay kayo ng tunay na hatol, magpakita ng kaawaan at kahabagan ang bawat isa sa kanyang kapatid. Huwag ninyong apihin ang balo, ni ang ulila man, ang dayuhan, ni ang dukha man; at sinuman sa inyo ay huwag mag-isip ng kasamaan sa inyong puso laban sa kanyang kapatid." Ngunit sila'y tumangging makinig, itinigas ang balikat, at tinakpan ang kanilang tainga upang huwag silang makarinig. Pinatigas nila ang kanilang puso upang huwag nilang marinig ang kautusan at ang mga salita na ipinasugo ng PANGINOON ng mga hukbo sa pamamagitan ng kanyang espiritu sa mga unang propeta. Kaya't dumating ang malaking poot mula sa PANGINOON ng mga hukbo. "At nangyari, na kung paanong siya'y tumawag at hindi sila nakinig, kaya't nang sila'y tumawag, hindi ako nakinig," sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, "at ikinalat ko sila sa pamamagitan ng ipu-ipo sa lahat ng bansa na hindi nila kilala. Kaya't ang lupain na kanilang iniwan ay napabayaan, kaya't walang tao na nagpaparoo't parito, at ang magandang lupain ay napabayaan." Ang salita ng PANGINOON ng mga hukbo ay dumating sa akin, na sinasabi: "Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: Ako'y labis na naninibugho sa Zion at ako'y may paninibugho sa kanya na may malaking poot. Ganito ang sabi ng PANGINOON: Ako'y babalik sa Zion, at maninirahan sa gitna ng Jerusalem; ang Jerusalem ay tatawaging tapat na lunsod, at ang bundok ng PANGINOON ng mga hukbo, ang banal na bundok. Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: Muling titirhan ng matatandang lalaki at matatandang babae ang mga lansangan ng Jerusalem, bawat isa'y may hawak na tungkod sa kanyang kamay dahil sa katandaan. Ang mga lansangan ng lunsod ay mapupuno ng mga batang lalaki at babae na naglalaro sa mga lansangan nito. Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: Kung ito ay kagila-gilalas sa paningin ng mga nalabi sa bayang ito sa mga araw na ito, dapat din ba itong maging kagila-gilalas sa aking paningin? sabi ng PANGINOON ng mga hukbo. Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: Narito, aking ililigtas ang aking bayan mula sa lupaing silangan at mula sa lupaing kanluran; at dadalhin ko sila upang manirahan sa gitna ng Jerusalem; at sila'y magiging aking bayan, at ako'y magiging kanilang Diyos, sa katapatan at katuwiran." Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: "Palakasin mo ang inyong mga kamay, kayong nakakarinig sa mga araw na ito ng mga salitang ito sa bibig ng mga propeta, mula nang araw na ilagay ang pundasyon sa bahay ng PANGINOON ng mga hukbo, upang maitayo ang templo. Sapagkat bago dumating ang mga araw na iyon ay walang upa para sa tao, ni anumang upa para sa hayop; at wala ring anumang kapayapaan mula sa kaaway para sa lumalabas o pumapasok, sapagkat aking inilagay ang bawat tao laban sa kanyang kapwa. Ngunit ngayo'y hindi ko papakitunguhan ang nalabi sa bayang ito tulad noong mga nakaraang araw, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo. Sapagkat magkakaroon ng paghahasik ng kapayapaan; ang puno ng ubas ay magbubunga, at ang lupa'y magbibigay ng pakinabang, at ang langit ay magbibigay ng kanyang hamog; at aking ipaaangkin sa nalabi sa bayang ito ang lahat ng bagay na ito. Kung paanong kayo'y naging isang sumpa sa gitna ng mga bansa, O sambahayan ni Juda at Israel, gayon ko kayo ililigtas at kayo'y magiging isang pagpapala. Huwag kayong matatakot kundi palakasin ninyo ang inyong mga kamay." Sapagkat ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: "Kung paanong ipinasiya kong gawan kayo ng masama, nang galitin ako ng inyong mga ninuno, at hindi ako nahabag, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ay muli kong ipinapasiya sa mga araw na ito na gawan ng mabuti ang Jerusalem at ang sambahayan ni Juda; huwag kayong matakot. Ito ang mga bagay na inyong gagawin: Magsalita ng katotohanan ang bawat isa sa inyo sa kanyang kapwa; humatol kayo ng katotohanan at kapayapaan sa inyong mga pintuan. Huwag kayong magpanukala ng masama sa inyong puso laban sa isa't isa, at huwag ninyong ibigin ang kasinungalingang sumpa, sapagkat ang lahat ng mga ito ay aking kinapopootan, sabi ng PANGINOON." Ang salita ng PANGINOON ng mga hukbo ay dumating sa akin, na sinasabi, "Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: Ang mga ayuno sa ikaapat, ikalima, ikapito, at sa ikasampung buwan ay magiging kagalakan, kaligayahan, at masasayang kapistahan sa sambahayan ni Juda; kaya't inyong ibigin ang katotohanan at ang kapayapaan. Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: Darating pa ang mga bayan, maging ang mga naninirahan sa maraming lunsod; ang mga naninirahan sa isang lunsod ay lalapit sa isa, na magsasabi, 'Pumunta tayo agad upang ating hilingin ang lingap ng PANGINOON, at hanapin ang PANGINOON ng mga hukbo; ako man ay pupunta.' Maraming bayan at malalakas na bansa ang darating upang hanapin ang PANGINOON ng mga hukbo sa Jerusalem, at hilingin ang lingap ng PANGINOON. Ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: Sa mga araw na iyon, sampung lalaki mula sa mga bansa ng bawat wika ang hahawak sa laylayan ng isang Judio, na nagsasabi, 'Pasamahin ninyo kami, sapagkat aming narinig na ang Diyos ay kasama ninyo.' " Ang salita ng PANGINOON ay laban sa lupain ng Hadrac, at Damasco ang pahingahang dako nito. Sapagkat ang mata ng tao, pati ang lahat ng lipi ng Israel ay nasa PANGINOON, gayundin ang Hamat, na hangganan nito; sa Tiro at Sidon, bagaman sila'y napakarunong. Ang Tiro ay nagtayo ng kanyang muog, at nagbunton ng pilak na parang alabok, at ng ginto na parang putik ng lansangan. Narito, ngunit aalisan siya ng PANGINOON ng kanyang mga yaman, at ihahagis ang kanyang kayamanan sa dagat, at siya'y lalamunin ng apoy. Makikita ito ng Ascalon, at matatakot; gayundin ng Gaza, at mamimilipit sa hinagpis, gayundin ang Ekron, sapagkat ang kanyang pag-asa ay malalanta. Ang hari ay mamamatay sa Gaza, at ang Ascalon ay hindi tatahanan. Isang anak sa labas ang maninirahan sa Asdod, at aking tatapusin ang kapalaluan ng mga Filisteo. Aalisin ko ang kanyang dugo sa kanyang bibig, at ang mga kasuklamsuklam nito sa pagitan ng kanyang mga ngipin; iyon man ay magiging nalabi para sa ating Diyos; ito'y magiging gaya ng isang angkan sa Juda, ang Ekron ay magiging gaya ng Jebuseo. At ako'y magkakampo sa aking bahay dahil sa hukbo, dahil sa kanya na dumadaan, at dahil sa kanya na bumabalik; at wala nang manlulupig na daraan pa sa kanila, sapagkat ngayo'y nakita ko ng aking sariling mga mata. Magalak ka nang husto, O anak na babae ng Zion! Sumigaw ka nang malakas, O anak na babae ng Jerusalem! Narito, ang iyong hari ay dumarating sa iyo; siya'y matuwid at matagumpay, mapagpakumbaba at nakasakay sa isang asno, sa isang batang asno na anak ng asnong babae. Aking aalisin ang karwahe mula sa Efraim, at ang kabayo mula sa Jerusalem; at ang mga busog na pandigma ay mapuputol; at siya'y magsasalita ng kapayapaan sa mga bansa; ang kanyang nasasakupan ay magiging mula sa kabilang dagat hanggang sa dagat, at mula sa ilog hanggang sa mga dulo ng lupa. Tungkol naman sa iyo, dahil sa dugo ng aking tipan sa iyo ay aking palalayain ang iyong mga bilanggo mula sa hukay na walang tubig. Bumalik kayo sa inyong muog, kayong mga bilanggo na may pag-asa, ngayo'y ipinahahayag ko na aking ibabalik sa inyo nang makalawa. Sapagkat aking binaluktot ang Juda bilang aking busog, ginawa ko ang Efraim na aking palaso. Gigisingin ko ang iyong mga anak, O Zion, laban sa iyong mga anak, O Grecia, at gagawin kitang parang tabak ng mandirigma. At ang PANGINOON ay makikita sa itaas nila; at lalabas ang kanyang pana na parang kidlat; patutunugin ng PANGINOONG Diyos ang trumpeta, at hahayo na kasama ang ipu-ipo ng timog. Iingatan sila ng PANGINOON ng mga hukbo; at kanilang lalamunin at tatapakan ang mga batong pantirador; at kanilang iinumin ang kanilang dugo na gaya ng alak; at sila'y mapupunong parang mga mangkok, na basang-basa na gaya ng mga sulok ng dambana. Ililigtas sila ng PANGINOON nilang Diyos sa araw na iyon sapagkat sila ang kawan ng kanyang bayan; sapagkat gaya ng mga bato ng isang korona ay magniningning sila sa kanyang lupain. Sapagkat napakalaki ng kanyang kabutihan, at napakalaki ng kanyang kagandahan! Pagiginhawahin ng trigo ang mga binata, at ng bagong alak ang mga dalaga. Hingin ninyo sa PANGINOON ang ulan sa kapanahunan ng ulan sa tagsibol, mula sa PANGINOON na gumagawa ng ulap na may dalang unos, at kanyang bibigyan sila ng ulan, sa bawat isa'y ng damo sa parang. Sapagkat ang mga diyus-diyosan ng sambahayan ay nagsalita ng walang kabuluhan, at ang mga manghuhula ay nakakakita ng kabulaanan; at sila'y nagpapahayag ng huwad na panaginip, at nagbibigay ng walang kabuluhang kaaliwan. Kaya't ang mga tao ay gumagala na gaya ng mga tupa, sila'y nagdadalamhati, sapagkat walang pastol. "Ang aking galit ay mainit laban sa mga pastol, at aking parurusahan ang mga lalaking kambing; sapagkat dinalaw ng PANGINOON ng mga hukbo ang kanyang kawan, ang sambahayan ni Juda, at kanyang gagawin silang parang kanyang magilas na kabayo sa pakikipaglaban. Mula sa kanila ay lalabas ang batong panulok, mula sa kanila ay ang tulos ng tolda, mula sa kanila ay ang busog ng pakikipaglaban, mula sa kanila ay ang bawat pinuno na magkakasama. At sila'y magiging parang mga makapangyarihang lalaki, na tinatapakan ang kaaway sa putik ng lansangan sa labanan, at sila'y lalaban, sapagkat ang PANGINOON ay kasama nila, at kanilang hihiyain ang mga mangangabayo. "Aking palalakasin ang sambahayan ni Juda, at aking ililigtas ang sambahayan ni Jose, ibabalik ko sila sapagkat ako'y naawa sa kanila; at sila'y magiging parang hindi ko itinakuwil: sapagkat ako ang PANGINOON nilang Diyos at sila'y aking diringgin. Ang Efraim ay magiging gaya ng mga makapangyarihang lalaki, at ang kanilang puso ay magagalak na gaya ng may alak. Ito'y makikita ng kanilang mga anak at magagalak, ang kanilang puso ay magagalak sa PANGINOON. "Huhudyatan ko sila at sila'y titipunin, sapagkat tinubos ko sila; at sila'y dadami na gaya nang una. Bagaman pinangalat ko sila sa gitna ng mga bansa; gayunma'y aalalahanin nila ako kahit sa malalayong lupain; at sila'y mabubuhay kasama ng kanilang mga anak at magbabalik. Ibabalik ko silang pauwi mula sa lupain ng Ehipto, at titipunin ko sila mula sa Asiria; at dadalhin ko sila sa lupain ng Gilead at Lebanon, hanggang wala nang silid para sa kanila. Sila'y tatawid sa dagat ng kaguluhan, at ang mga alon ng dagat ay hahampasin, at ang lahat ng kalaliman sa Nilo ay matutuyo. Ang pagmamataas ng Asiria ay ibababa, at ang setro ng Ehipto ay mawawala. Palalakasin ko sila sa PANGINOON; at sila'y lalakad sa kanyang pangalan," sabi ng PANGINOON. Buksan mo ang iyong mga pintuan, O Lebanon, upang tupukin ng apoy ang iyong mga sedro! Tumangis ka, O puno ng sipres, sapagkat ang sedro ay nabuwal, sapagkat ang maluluwalhating puno ay nawasak! Tumangis kayo, mga ensina sa Basan, sapagkat ang makapal na gubat ay nasira! May isang ugong ng panaghoy ng mga pastol, sapagkat ang kanilang kaluwalhatian ay nasira! May isang ugong ng ungal ng mga batang leon, sapagkat ang pagmamataas ng Jordan ay nasira! Ganito ang sabi ng PANGINOON kong Diyos: "Ikaw ay maging pastol ng kawan na papatayin. Pinapatay sila ng mga bumili sa kanila at hindi napaparusahan, at silang nagbibili sa kanila ay nagsasabi, 'Purihin ang PANGINOON, ako'y yumaman;' at ang kanilang sariling mga pastol ay hindi naaawa sa kanila. Sapagkat hindi na ako maaawa sa naninirahan sa lupaing ito, sabi ng PANGINOON. Narito, pababagsakin ko ang bawat isa sa kamay ng kanyang kapwa, at bawat isa sa kamay ng kanyang hari; at kanilang dudurugin ang lupain, at wala akong ililigtas mula sa kanilang kamay." At aking pinastol ang kawan na papatayin, pati ang mga kawawa na nasa kawan. Nagdala ako ng dalawang tungkod; ang isa'y tinawag kong Kabutihang Loob, at ang isa'y tinawag kong Pagkakaisa at pinapanginain ko ang kawan. Sa loob ng isang buwan ay pinatay ko ang tatlong pastol. Sapagkat ang aking kaluluwa ay nagsawa sa kanila at ang kanilang kaluluwa ay nasuklam din sa akin. Kaya't sinabi ko, "Hindi na ako ang magpapanginain sa inyo. Ang mamamatay ay mamatay; ang mahihiwalay ay mahiwalay; at ang mga naiwan ay lamunin ang laman ng isa't isa." Hinawakan ko ang aking tungkod na Kabutihang Loob, at binali ko ito upang sirain ang aking tipan na aking ginawa sa lahat ng mga bayan. Kaya't ito ay nawalan ng bisa nang araw na iyon, at ang mga kaawa-awang kawan na nagmamasid sa akin ay nakaalam na iyon ay salita ng PANGINOON. At sinabi ko sa kanila, "Kung inaakala ninyong mabuti, ibigay ninyo sa akin ang aking sahod. Ngunit kung hindi, inyo na iyon." Sa gayo'y kanilang tinimbang bilang aking sahod ang tatlumpung pirasong pilak. Pagkatapos, sinabi ng PANGINOON sa akin, "Ihagis mo sa magpapalayok" — ang mainam na halaga na inihalaga ko sa kanila. Kaya't aking kinuha ang tatlumpung pirasong pilak at inihagis ito sa magpapalayok sa bahay ng PANGINOON. Nang magkagayo'y binali ko ang aking pangalawang tungkod na Pagkakaisa, upang aking sirain ang pagkakapatiran ng Juda at Israel. Sinabi sa akin ng PANGINOON, "Magdala kang muli ng mga kasangkapan ng isang walang kabuluhang pastol. Sapagkat, narito, ako ngayo'y maglalagay ng isang pastol sa lupain na hindi nagmamalasakit sa mga nawawala, ni hahanapin man ang naliligaw, ni pagagalingin ang mga pilay; ni pakakainin ang mga malusog kundi kanyang lalamunin ang laman ng matataba at lulurayin pati ang kanilang mga kuko. Kahabag-habag ang walang kabuluhang pastol na nag-iiwan ng kawan! Ang tabak ay darating sa kanyang kamay at sa kanyang kanang mata! Matutuyo ang kanyang kamay, at ang kanyang kanang mata ay lubos na magdidilim!" Ang salita ng PANGINOON laban sa Israel. Ganito ang sabi ng PANGINOON, na naglatag ng langit at nagtatag ng lupa at lumikha ng espiritu ng tao sa loob niya: "Narito, malapit ko nang gawin ang Jerusalem na isang tasang pampasuray sa lahat ng bayan sa palibot, at ito ay magiging laban din sa Juda sa pagkubkob laban sa Jerusalem. Sa araw na iyon ay aking gagawin ang Jerusalem na isang batong mabigat sa lahat ng bayan; lahat ng magbubuhat nito ay malubhang masusugatan. At ang lahat ng bansa sa lupa ay magtitipun-tipon laban sa kanya. Sa araw na iyon, sabi ng PANGINOON, aking sasaktan ng sindak ang bawat kabayo, at ang kanyang sakay ay mababaliw. Ngunit aking imumulat ang aking mga mata sa sambahayan ni Juda, at aking bubulagin ang bawat kabayo ng mga bayan. Sasabihin ng mga pinuno ng Juda sa kanilang sarili, 'Ang mga mamamayan ng Jerusalem ay aking kalakasan sa PANGINOON ng mga hukbo, na kanilang Diyos.' "Sa araw na iyo'y gagawin ko ang mga pinuno ni Juda na parang nag-aapoy na palayok sa nakabuntong panggatong, parang nag-aapoy na sulo sa gitna ng mga bigkis; at kanilang sasakmalin ang buong bayan sa palibot, sa kanan at sa kaliwa; samantalang ang Jerusalem ay muling titirhan sa sarili nitong dako, sa Jerusalem. "Unang ililigtas ng PANGINOON ang mga tolda ng Juda, upang ang karangalan ng sambahayan ni David at ng mga naninirahan sa Jerusalem ay huwag magmalaki sa Juda. Sa araw na iyon ay ipagsasang-galang ng PANGINOON ang mga naninirahan sa Jerusalem, at siyang pinakamahina sa kanila sa araw na iyon ay maging gaya ni David, at ang sambahayan ni David ay magiging parang Diyos, parang anghel ng PANGINOON sa unahan nila. At mangyayari sa araw na iyon, aking pagsisikapang gibain ang lahat ng bansa na dumarating laban sa Jerusalem. "Ibubuhos ko sa sambahayan ni David at sa mga naninirahan sa Jerusalem ang espiritu ng biyaya at pananalangin, at kapag sila'y tumingin sa akin na kanilang inulos, at kanilang tatangisan siya, na gaya ng pagtangis sa kaisa-isang anak, at umiyak ng may kapaitan gaya ng pag-iyak na may kapaitan sa panganay. Sa araw na iyon ang pagtangis sa Jerusalem ay magiging kasinlaki ng pagtangis para kay Hadad-rimon sa kapatagan ng Megido. Ang lupain ay tatangis, bawat angkan ay bukod, ang angkan ng sambahayan ni David ay bukod, at ang kanilang mga asawa ay bukod; ang sambahayan ni Natan ay bukod, at ang kanilang mga asawa ay bukod; ang angkan ng sambahayan ni Levi ay bukod, ang kanilang mga asawa ay bukod, ang angkan ni Simei ay bukod, at ang kanilang mga asawa ay bukod; ang lahat ng angkang nalabi, bukod ang bawat angkan, at ang kanilang mga asawa ay bukod. "Sa araw na iyon ay mabubuksan ang isang bukal para sa sambahayan ni David at sa mga naninirahan sa Jerusalem para sa kasalanan at karumihan. "Sa araw na iyon, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, aking aalisin sa lupain ang mga pangalan ng mga diyus-diyosan, kaya't sila'y hindi na maaalala pa. Aking palalayasin sa lupain ang mga propeta at ang karumaldumal na espiritu sa lupain. Kapag ang sinuman ay muling magpropesiya, sasabihin sa kanya ng kanyang ama at ina na nagsilang sa kanya, 'Ikaw ay hindi mabubuhay sapagkat ikaw ay nagsasalita ng kasinungalingan sa pangalan ng PANGINOON;" at uulusin siya ng kanyang ama at ng kanyang ina na nagsilang sa kanya kapag siya'y nagsalita ng propesiya. At mangyayari, sa araw na iyon, ikahihiya ng bawat propeta ang kanyang pangitain kapag siya'y nagsalita ng propesiya. Hindi sila magsusuot ng kasuotang balahibo, upang mandaya, kundi kanyang sasabihin, 'Ako'y hindi propeta, ako'y magbubungkal ng lupa; sapagkat ang lupain ay aking pag-aari mula sa aking kabataan.' At sasabihin ng isa sa kanya, Ano itong mga sugat sa pagitan ng iyong mga bisig?' kung magkagayon siya'y sasagot, Ang mga ito'y sugat na tinanggap ko sa bahay ng aking mga kaibigan.' "Gumising ka, O tabak, laban sa pastol ko, at laban sa lalaking kasama ko," sabi ng PANGINOON ng mga hukbo. "Saktan mo ang pastol upang ang mga tupa ay mangalat; at aking ipipihit ang aking kamay laban sa maliliit. At mangyayari, sa buong lupain, sabi ng PANGINOON, dalawang ikatlong bahagi ay aalisin at mamamatay; ngunit ang ikatlo ay maiiwan. At aking dadalhin ang ikatlong bahagi sa apoy, at sila'y dadalisayin ko na gaya ng pagdalisay sa pilak, at sila'y susubukin ko na gaya ng pagsubok sa ginto. Sila'y tatawag sa aking pangalan, at akin silang diringgin. Aking sasabihin, 'Sila'y bayan ko;' at kanilang sasabihin, 'Ang PANGINOON ay aking Diyos.'" Narito, isang araw darating para sa PANGINOON, ang samsam na kinuha sa iyo ay paghahati-hatian sa gitna mo. Sapagkat aking titipunin ang lahat ng bansa upang lumaban sa Jerusalem, at ang lunsod ay masasakop, ang mga bahay ay lolooban, at ang mga babae ay pagsasamantalahan. Ang kalahati ng lunsod ay bibihagin, ngunit ang nalabi sa bayan ay hindi aalisin sa lunsod. Kung magkagayo'y lalabas ang PANGINOON at makikipaglaban sa mga bansang iyon, gaya nang siya'y makipaglaban sa araw ng labanan. Sa araw na iyon ay tatayo ang kanyang mga paa sa Bundok ng mga Olibo, na nasa tapat ng Jerusalem sa dakong silangan; at ang Bundok ng mga Olibo ay mahahati sa gitna niya, sa silangan hanggang sa kanluran, sa pamamagitan ng napakalawak na libis. Ang kalahati ng Bundok ay malilipat sa dakong hilaga, at ang kalahati ay sa dakong timog. At kayo'y magsisitakas sa libis ng aking mga bundok sapagkat ang libis ng mga bundok ay aabot hanggang sa Azal. Kayo'y tatakas gaya noong kayo'y tumakas mula sa lindol nang mga araw ni Uzias na hari ng Juda. Pagkatapos ang PANGINOON kong Diyos ay darating, kasama ang lahat ng mga banal. At mangyayari, sa araw na iyon ay hindi magkakaroon ng liwanag, ang mga nagniningning ay uunti. At ito'y magiging isang araw na nalalaman ng PANGINOON, hindi araw at hindi gabi; ngunit mangyayari na sa gabi ay magkakaroon ng liwanag. Sa araw na iyon ay aagos mula sa Jerusalem, ang buhay na tubig, kalahati niyon ay sa dagat sa dakong silangan, at kalahati niyon ay sa dagat sa dakong kanluran; iyon ay magpapatuloy sa tag-init at sa taglamig. Ang PANGINOON ay magiging Hari sa buong lupa; sa araw na iyon ang PANGINOON ay magiging isa, at ang kanyang pangalan ay isa. Ang buong lupain ay magiging kapatagan mula sa Geba hanggang sa Rimon sa timog ng Jerusalem. Ngunit ang Jerusalem ay mananatiling mataas sa kanyang dako mula sa Pintuan ng Benjamin hanggang sa dako ng Unang Pintuan, hanggang sa Sulok na Pintuan, at mula sa Tore ng Hananel hanggang sa pisaan ng ubas ng hari. Ito'y titirhan sapagkat hindi na ito muling magkakaroon ng sumpa; ang Jerusalem ay tatahang tiwasay. Ito ang magiging salot na ibibigay ng PANGINOON sa lahat ng mga bayan na nakipagdigma laban sa Jerusalem: ang kanilang laman ay mabubulok habang sila'y nakatayo pa sa kanilang mga paa, at ang kanilang mga mata'y mabubulok sa kinalalagyan ng mga ito, at ang kanilang mga dila ay mabubulok sa kanilang mga bibig. Sa araw na iyon ay darating sa kanila ang isang malaking pagkatakot sa PANGINOON; at hahawak ang bawat isa sa kanila sa kamay ng kanyang kapwa, at ang kamay ng isa'y itataas laban sa kamay ng iba pa; maging ang Juda ay makikipaglaban sa Jerusalem. Ang kayamanan ng lahat ng bansa sa palibot ay titipunin — ginto, pilak, at kasuotan na napakarami. Isang salot na gaya ng salot na ito ang darating sa mga kabayo, mola, kamelyo, asno, at sa lahat ng hayop na naroroon sa mga kampong iyon. Bawat isa na nakaligtas mula sa lahat ng bansa na lumaban sa Jerusalem ay aahon taun-taon upang sumamba sa Hari, sa PANGINOON ng mga hukbo, at upang ipangilin ang mga kapistahan ng mga kubol. Ang sinuman sa mga angkan sa lupa na hindi umahon sa Jerusalem upang sumamba sa Hari, sa PANGINOON ng mga hukbo, sila'y mawawalan ng ulan. Kung ang angkan ng Ehipto ay hindi umahon at hindi pumaroon, ang ulan ay hindi babagsak sa kanila ngunit darating sa kanila ang salot na ipinalasap ng PANGINOON sa mga bansang hindi aahon upang ipagdiwang ang kapistahan ng mga kubol. Ito ang magiging kaparusahan sa Ehipto at sa lahat ng bansa na hindi aahon upang ipagdiwang ang kapistahan ng mga kubol. Sa araw na iyon ay isusulat sa mga kampanilya ng mga kabayo, "Banal sa PANGINOON." Ang mga palayok sa bahay ng PANGINOON ay magiging gaya ng mga mangkok sa harapan ng dambana; at bawat palayok sa Jerusalem at sa Juda ay magiging banal sa PANGINOON ng mga hukbo, upang lahat ng mag-aalay ay gamitin ang mga iyon sa paglalaga ng laman ng handog. Hindi na magkakaroon pa ng Cananeo sa bahay ng PANGINOON ng mga hukbo sa araw na iyon. Ang pahayag ng salita ng PANGINOON sa Israel sa pamamagitan ni Malakias. "Inibig ko kayo," sabi ng PANGINOON. Gayunma'y inyong sinasabi, "Paano mo kami inibig?" "Hindi ba si Esau ay kapatid ni Jacob?" sabi ng PANGINOON. "Gayunma'y inibig ko si Jacob. Ngunit si Esau ay aking kinamuhian, at ginawa ko ang kanyang mga bundok na isang kasiraan at ibinigay ko ang kanyang mana sa mga asong palaboy sa ilang." Kung sinasabi ng Edom, "Kami'y nawasak, ngunit muli naming itatayo ang mga guho," ganito ang sabi ng PANGINOON ng mga hukbo: "Maaari silang magtayo ngunit aking ibabagsak hanggang sila'y tawaging masamang lupain, galit ang PANGINOON sa bayang ito magpakailanman." Makikita ng sarili ninyong mga mata, at inyong sasabihin, "Dakila ang PANGINOON hanggang sa kabilang hangganan ng Israel." "Iginagalang ng anak ang kanyang ama, at ng mga utusan ang kanilang amo. Kung ako nga'y isang ama, nasaan ang karangalang nararapat sa akin? At kung ako'y amo, nasaan ang paggalang na para sa akin? sinasabi ng PANGINOON ng mga hukbo sa inyo, O mga pari, na humahamak sa aking pangalan. Inyong sinasabi, 'Paano namin hinamak ang iyong pangalan?' Kayo'y naghahandog ng maruming pagkain sa aking dambana. At inyong sinasabi, 'Paano ka namin nilapastangan?' Sa inyong sinasabing ang hapag ng PANGINOON ay hamak. Kapag kayo'y naghahandog ng mga bulag na hayop bilang alay, di ba masama iyon? At kapag kayo'y naghahandog ng pilay at may sakit, hindi ba masama iyon? Subukan mong ihandog iyon sa iyong gobernador, masisiyahan kaya siya sa iyo o papakitaan ka kaya niya ng kabutihan? sabi ng PANGINOON ng mga hukbo. 'Ngayo'y maaari bang inyong hingin ang kabutihan ng Diyos upang pagpalain niya tayo.' May gayong kaloob sa inyong kamay, magpapakita kaya siya ng paglingap sa alinman sa inyo? sabi ng PANGINOON ng mga hukbo. O mayroon sana sa inyong magsara ng mga pinto, upang hindi kayo makapagpaningas ng apoy sa aking dambana nang walang kabuluhan! Hindi ko kayo kinalulugdan, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, at hindi ako tatanggap ng handog mula sa inyong kamay. Sapagkat mula sa sikatan ng araw hanggang sa nilulubugan niyon, dakila ang aking pangalan sa mga bansa; at sa bawat dako ay paghahandugan ng kamanyang ang aking pangalan, at ng dalisay na handog; sapagkat ang aking pangalan ay dakila sa gitna ng mga bansa, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo. Ngunit inyong nilalapastangan iyon kapag inyong sinasabi na ang hapag ng PANGINOON ay nadungisan, at bunga nito, ang pagkain niya ay hamak. Sinasabi rin ninyo, 'Nakakasawa na ito,' at inaamoy-amoy pa ninyo ito, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo. Dinadala ninyo ang nakuha sa dahas, ang pilay, at ang may sakit; at ito ang dinadala ninyo bilang handog! Tatanggapin ko ba ito mula sa inyong kamay? sabi ng PANGINOON. Ngunit sumpain ang mandaraya na mayroon sa kanyang kawan na isang lalaki, at ipinangako ito, gayunma'y naghahain ng hayop na may kapintasan sa PANGINOON; sapagkat ako'y dakilang Hari, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, at ang aking pangalan ay kinatatakutan ng mga bansa. "Ngayon, O kayong mga pari, ang utos na ito ay para sa inyo. Kung hindi kayo makikinig, at kung hindi ninyo ilalagak sa inyong puso na bigyang kaluwalhatian ang aking pangalan, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, ipadadala ko sa inyo ang sumpa at aking susumpain ang mga pagpapala ninyo. Sa katunayan, akin na silang isinumpa, sapagkat hindi ninyo iniilagak sa inyong puso. Narito, sasawayin ko ang inyong anak, at sasabugan ko ng dumi ang inyong mga mukha, ang dumi ng inyong mga kapistahan; at kayo'y aalisin kasama nito. Inyong malalaman na aking ipinadala ang utos na ito sa inyo upang ang aking tipan kay Levi ay manatili, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo. Ang aking tipan sa kanya ay isang tipan ng buhay at kapayapaan; at ibinigay ko ang mga iyon sa kanya upang siya'y matakot; at siya'y natakot sa akin, at siya'y nagbigay-galang sa aking pangalan. Ang kautusan ng katotohanan ay nasa kanyang bibig, at walang kalikuan na nasumpungan sa kanyang mga labi. Siya'y lumakad na kasama ko sa kapayapaan at katuwiran, at inilayo niya sa kasamaan ang marami. Sapagkat ang mga labi ng pari ay dapat mag-ingat ng kaalaman, at dapat hanapin ng mga tao ang kautusan sa kanyang bibig, sapagkat siya ang sugo ng PANGINOON ng mga hukbo. Ngunit kayo'y lumihis sa daan; naging dahilan kayo upang matisod ang marami sa pamamagitan ng inyong kautusan, inyong pinasama ang tipan ni Levi, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo. Kaya't ginawa ko kayong hamak at aba sa harap ng buong bayan, yamang hindi ninyo iningatan ang aking mga daan, kundi nagpakita kayo ng pagtatangi sa inyong kautusan." Hindi ba iisa lamang ang ating ama? Hindi ba iisang Diyos ang lumalang sa atin? Bakit nga tayo nagtataksil sa isa't isa na nilalapastangan ang tipan ng ating mga ninuno? Naging taksil ang Juda, at ang kasuklamsuklam ay nagawa sa Israel at sa Jerusalem; sapagkat nilapastangan ng Juda ang santuwaryo ng PANGINOON, na kanyang iniibig, at nag-asawa sa anak na babae ng ibang diyos. Ihiwalay nawa ng PANGINOON mula sa mga tolda ng Jacob ang taong gumawa nito, ang sinumang gigising o sasagot o magdadala ng handog sa PANGINOON ng mga hukbo! Ito rin ay inyong ginagawa: Tinatakpan ninyo ang dambana ng PANGINOON ng mga luha, ng pagtangis, at ng pagdaing, sapagkat hindi na niya nililingap ang handog, ni tinatanggap na may kasiyahan sa inyong kamay. Gayunma'y inyong sinasabi, "Sa anong dahilan?" Sapagkat ang PANGINOON ay saksi sa pagitan mo at ng asawa ng iyong kabataan, na ginawan mo ng kataksilan, bagaman siya'y iyong kasama, at iyong asawa sa pamamagitan ng tipan. Ngunit wala ni isang gumawa niyon na mayroong nalabing Espiritu.a Ano ang ginawa niya noong naghahanap siya ng lahing maka-Diyos? Kaya't ingatan ninyo ang inyong espiritu, at huwag nang hayaang ang sinuman ay magtaksil sa asawa ng kanyang kabataan. "Sapagkat aking kinapopootan ang paghihiwalay, sabi ng PANGINOON, ang Diyos ng Israel, at ang pagtatakip ng tao sa kanyang damit na may karahasan, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo. Kaya't ingatan ninyo ang inyong sarili at huwag kayong magtaksil." Inyong niyamot ang PANGINOON ng inyong mga salita. Gayunma'y sinasabi ninyo, "Paano namin siya niyamot?" Sa inyong pagsasabi, "Bawat gumagawa ng kasamaan ay mabuti sa paningin ng PANGINOON, at sila'y kanyang kinalulugdan." O sa pagtatanong, "Nasaan ang Diyos ng katarungan?" "Narito, sinusugo ko ang aking sugo upang ihanda ang daan sa unahan ko; at ang PANGINOON na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo! Ang sugo ng tipan na inyong kinalulugdan ay narito, dumarating," sabi ng PANGINOON ng mga hukbo. Ngunit sino ang makakatagal sa araw ng kanyang pagdating, at sino ang makakatayo kapag siya'y nagpakita? Sapagkat siya'y tulad sa apoy ng tagapagdalisay at tulad sa sabon ng mga tagapagpaputi. Siya'y uupong gaya ng nagpapakintab at nagpapadalisay ng pilak, at kanyang dadalisayin ang mga anak ni Levi, at kanyang lilinising tulad sa ginto at pilak hanggang sila'y maghandog ng matutuwid na handog sa PANGINOON. Kung magkagayo'y ang handog ng Juda at ng Jerusalem ay magiging kalugud-lugod sa PANGINOON, gaya ng mga unang araw, at gaya ng mga taong nakalipas. "Aking lalapitan kayo sa kahatulan; ako'y magiging mabilis sa pagsaksi laban sa mga mangkukulam, laban sa mga nakikiapid, laban sa mga nanunumpa ng kasinungalingan, at laban sa mga umaapi sa upahang manggagawa sa kanyang sahod, sa babaing balo at sa ulila, at laban sa nagtataboy sa dayuhan, at hindi natatakot sa akin, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo. "Sapagkat akong PANGINOON ay hindi nagbabago, kaya't kayo, O mga anak ni Jacob ay hindi napapahamak. Mula sa mga araw ng inyong mga ninuno, kayo'y lumihis sa aking mga tuntunin, at hindi ninyo tinupad ang mga iyon. Manumballk kayo sa akin, at ako'y manunumbalik sa inyo, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo. Ngunit inyong sinasabi, 'Paano kami manunumbalik?' Nanakawan ba ng tao ang Diyos? Gayunma'y ninanakawan ninyo ako. Ngunit inyong sinasabi, 'Paano ka namin ninanakawan?' Sa mga ikasampung bahagi atsa mga handog. Kayo'y isinumpa ng isang sumpa, sapagkat ninanakawan ninyo ako — ng inyong buong bansa! Dalhin ninyo ang buong ikasampung bahagi sa kamalig upang magkaroon ng pagkain sa aking bahay, at sa gayo'y subukin ninyo ako ngayon, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo. Tingnan ninyo kung hindi ko bubuksan para sa inyo ang mga bintana ng langit, at ibubuhos ko sa inyo ang isang pagpapala na walang sapat na kalalagyan. Aking sasawayin ang mananakmal alang-alang sa inyo, kaya't hindi nito sisirain ang mga bunga ng inyong lupa; at ang inyong puno ng ubas sa parang ay hindi mawawalan ng bunga, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo. Tatawagin kayong mapapalad ng lahat ng mga bansa, sapagkat kayo'y magiging lupain ng katuwaan, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo. "Ang inyong mga salita ay naging marahas laban sa akin, sabi ng PANGINOON. Gayunma'y inyong sinasabi, 'Paano kami nagsalita nang laban sa iyo?' Inyong sinabi, "Walang kabuluhan ang maglingkod sa Diyos. Ano ang aming pakinabang sa pagtupad namin sa kanyang utos o sa paglakad nang tulad sa may pananangis sa harap ng PANGINOON ng mga hukbo? Ngayo'y ating tinatawag na mapalad ang palalo; hindi lamang umuunlad ang mga gumagawa ng masama, kundi kapag kanilang tinutukso ang Diyos, sila'y nakakatakas.'" Nang magkagayo'y nag-usap silang mga natatakot sa PANGINOON. Binigyang-pansin sila ng PANGINOON at pinakinggan, at ang isang aklat ng alaala ay isinulat sa harap niya, para sa kanila na natakot sa PANGINOON at nagpahalaga sa kanyang pangalan. "Sila'y magiging akin, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, isang natatanging kayamanan sa araw na ako'y kumilos. Kaaawaan ko sila na gaya ng isang tao na naaawa sa kanyang anak na naglilingkod sa kanya. At minsan pa ay makikilala ninyo ang pagkakaiba ng taong matuwid at ng masama, ng taong naglilingkod sa Diyos at ng hindi naglilingkod sa kanya. "Sapagkat narito, ang araw ay dumarating na gaya ng nagniningas na pugon, na ang lahat ng palalo at lahat ng gumagawa ng masama ay magiging parang ipa, at ang araw na dumarating ang susunog sa kanila, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo, anupa't hindi mag-iiwan sa kanila ng ugat ni sanga man. Ngunit sa inyo na natatakot sa aking pangalan ay sisikat ang araw ng katuwiran, na may pagpapagaling sa kanyang mga pakpak. Kayo'y lalabas at luluksong parang mga guya mula sa silungan. Inyong yayapakan ang masasama sapagkat sila'y magiging abo sa ilalim ng mga talampakan ng inyong mga paa sa araw na aking inihahanda, sabi ng PANGINOON ng mga hukbo. 'Alalahanin ninyo ang kautusan ni Moises na aking lingkod, ang mga tuntunin at batas na aking iniutos sa kanya sa Horeb para sa buong Israel. "Narito, susuguin ko sa inyo si Elias na propeta bago dumating ang dakila at kakilakilabot na araw ng PANGINOON. Kanyang ibabaling ang puso ng mga magulang sa kanilang mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang; upang hindi ako dumating at saktan ang lupain ng isang sumpa." Ito ang aklat ng lahi ni Jesu-Cristo, na anak ni David, na anak ni Abraham. Naging anak ni Abraham si Isaac; naging anak ni Isaac si Jacob; at naging anak ni Jacob si Juda at ang mga kapatid nito; naging anak ni Juda kay Tamar sina Perez at Zera; naging anak ni Perez si Hesron; at naging anak ni HesronsiAram; naging anak ni Aram si Aminadab; naging anak ni Aminadab si Naashon; at naging anak ni Naashon si Salmon; naging anak ni Salmon kay Rahab si Boaz; naging anak ni Boaz kay Ruth si Obed; at naging anak ni Obed si Jesse; naging anak ni Jesse si Haring David. At naging anak ni David sa asawa ni Urias si Solomon; naging anak ni Solomon si Rehoboam; naging anak ni Rehoboam si Abias; at naging anak ni Abias si Asaf; naging anak ni Asaf si Jehoshafat; naging anak ni Jehoshafat si Joram; at naging anak ni Joram si Uzias; naging anak ni Uzias si Jotam; naging anak ni Jotam si Ahaz; at naging anak ni Ahaz si Hezekias; naging anak ni Hezekias si Manases; naging anak ni Manases si Amos; at naging anak ni Amos si Josias; naging anak ni Josias si Jeconias at ang kanyang mga kapatid, nang panahon na dalhin silang bihag sa Babilonia. Pagkatapos silang dalhing bihag sa Babilonia, naging anak ni Jeconias si Sealtiel; at naging anak ni Sealtiel si Zerubabel; naging anak ni Zerubabel si Abiud; naging anak ni Abiud si Eliakim; at naging anak ni Eliakim si Azor; naging anak ni Azor si Zadok; naging anak ni Zadok si Akim; at naging anak ni Akim si Eliud; naging anak ni Eliud si Eleazar; naging anak ni Eleazar si Matan; at naging anak ni Matan si Jacob; naging anak ni Jacob si Jose na asawa ni Maria, na siyang nagsilang kay Jesus na tinatawag na Cristo. Samakatuwid, ang lahat ng salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David ay labing-apat. Mula kay David hanggang sa pagkadalang-bihag sa Babilonia ay labing-apat na salinlahi; at mula sa pagkadalang-bihag sa Babilonia hanggang kay Cristo ay labing-apat din na salinlahi. Ganito ang pagkapanganak kay Jesu-Cristo. Nang si Maria na kanyang ina ay nakatakdang ikasal kay Jose, bago sila magsama, si Maria ay natuklasang nagdadalang-tao sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Si Jose na kanyang asawa, palibhasa'y isang taong matuwid at ayaw ilagay sa kahihiyan si Maria, ay nagpasiya na lamang na kanyang hiwalayan ito nang lihim. Ngunit samantalang pinag-iisipan niya ito, ang isang anghel ng Panginoon ay nagpakita sa kanya sa panaginip na nagsasabi: "Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria na iyong asawa sapagkat ang ipinaglilihi niya ay mula sa Espiritu Santo. Siya'y manganganak ng isang lalaki, at ang pangalang itatawag mo sa kanya ay Jesus, sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan." Nangyari nga ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta: "Narito, magdadalang-tao ang isang birhen at manganganak ng isang lalaki, at ang pangalang itatawag nila sa kanya ay Emmanuel" (na ang ibig sabihin ay kasama natin angDiyos). Nang bumangon si Jose mula sa pagkakatulog, ginawa niya ang ipinag-utos sa kanya ng anghel ng Panginoon. Siya'y kanyang tinanggap bilang kanyang asawa. Ngunit hindi niya ito nakilala hanggang sa maipanganak nito ang isang lalaki na pinangalanan niyang Jesus. Nang ipanganak si Jesus sa Bethlehem ng Judea sa kapanahunan ng haring si Herodes, may mga Pantas na lalaki mula sa silangan na dumating sa Jerusalem, na nagtatanong, "Nasaan ang ipinanganak na hari ng mga Judio? Sapagkat nakita namin ang kanyang bituin sa silangan, at naparito kami upang siya'y sambahin." Nang marinig ito ni Haring Herodes, siya ay nabahala, pati ang buong Jerusalem. Nang matipon niyang lahat ang mga punong pari at mga eskriba ng bayan, nagtanong siya sa mga ito kung saan isisilang ang Cristo. Sinabi nila sa kanya, "Sa Bethlehem ng Judea, sapagkat ganito ang isinulat ng propeta: 'At ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Juda, sa anumang paraan ay hindi ka pinakamaliit sa mga pangunahing bayan ng Juda; sapagkat sa iyo manggagaling ang isang pinuno, na magiging pastol ng aking bayang Israel.' " Pagkatapos, lihim na ipinatawag ni Herodes ang mga Pantas at inalam sa kanila kung kailan lumitaw ang bituin. Kanyang pinapunta sila sa Bethlehem at sinabi sa kanila, "Humayo kayo at hanapin ninyong mabuti ang sanggol; kapag siya ay inyong natagpuan na, ipagbigay-alam ninyo sa akin, upang ako rin ay makaparoon at siya ay aking sambahin." Pagkatapos nilang makinig sa hari ay lumakad na sila; at naroon, ang bituin na kanilang nakita sa silangan ay nanguna sa kanila hanggang sa tumigil sa tapat ng kinaroroonanng sanggol. Labis silang nagalak nang makita nila ang bituin. Pagpasok nila sa bahay ay nakita nila ang sanggol na kasama ng kanyang inang si Maria. Nagpatirapa sila at sumamba sa kanya. Nang buksan nila ang kanilang mga kayamanan ay inihandog nila sa kanya ang mga kaloob na ginto, kamanyang at mira. Palibhasa'y binalaan sa pamamagitan ng panaginip na huwag na silang babalik kay Herodes, nag-iba sila ng daan pauwi sa kanilang lupain. Nang makaalis na sila, ang isang anghel ng Panginoon ay nagpakita kay Jose sa panaginip, na nagsasabi, "Bumangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang kanyang ina, at tumakas kayo patungo sa Ehipto. Manatili kayo roon hanggang sabihin ko sa iyo, sapagkat hahanapin ni Herodes ang sanggol upang siya ay patayin." Kaya't siya ay bumangon at dinala ang sanggol at ang ina nito nang gabing iyon, at pumunta sila sa Ehipto. Nanatili sila roon hanggang sa pagkamatay ni Herodes. Ito ay upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta: "Mula sa Ehipto ay tinawag ko ang aking anak." Nang malaman ni Herodes na siya'y dinaya ng mga Pantas, siya ay labis na nagalit. At ipinag-utos niyang patayin ang lahat ng mga batang lalaki sa Bethlehem at sa karatig-pook na may gulang na dalawang taon pababa, ayon sa panahon na kanyang tiniyak mula sa mga Pantas. Kaya't natupad ang sinabi sa pamamagitan ni propeta Jeremias: "Isang tinig ang narinig sa Rama, pananangis at malakas na panaghoy, tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak; ayaw niyang paaliw, sapagkat wala na sila." Ngunit pagkamatay ni Herodes, ang isang anghel ng Panginoon ay nagpakita sa panaginip kay Jose sa Ehipto, na nagsasabi, "Bumangon ka at dalhin mo ang sanggol at ang kanyang ina, at pumunta kayo sa lupain ng Israel, sapagkat patay na ang mga naghahangad sa buhay ng sanggol." Kaya't bumangon siya at dinala ang sanggol at ang ina nito at pumunta sa lupain ng Israel. Ngunit nang mabalitaan niya na si Arquelao ang naghahari sa Judea na kahalili ng ama nitong si Herodes, natakot siyang pumunta roon. Dahil pinagsabihan siya sa pamamagitan ng panaginip, nagtungo siya sa nasasakupan ng Galilea. Siya ay nanirahan sa isang bayang tinatawag na Nazaret upang maganap ang sinabi ng mga propeta na "siya ay tatawaging Nazareno." Nang mga araw na iyon ay dumating si Juan na Tagapagbautismo na nangangaral sa ilang ng Judea, na nagsasabi, "Magsisi kayo, sapagkat malapit na ang kaharian ng langit." Sapagkat siya ang tinutukoy sa pamamagitan ni propeta Isaias, nang kanyang sabihin, "Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang: 'Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas.' " Si Juan ay nagsusuot ng damit na yari sa balahibo ng kamelyo at ng isang pamigkis na balat sa kanyang baywang. Ang kanyang pagkain ay mga balang at pulot-pukyutan. Pumunta sa kanya ang mga mamamayan ng Jerusalem, ang buong Judea, at ang buong lupain sa paligid ng Jordan. At sila'y kanyang binautismuhan sa ilog ng Jordan, na ipinahahayag nila ang kanilang mga kasalanan. Ngunit nang makita niyang marami sa mga Fariseo at Saduceo ang nagdatingan upang magpabautismo, sinabi niya sa kanila, "Kayong lahi ng mga ulupong, sino ang nagbabala sa inyo upang makatakas sa poot na darating? Mamunga kayo nang nararapat sa pagsisisi. At huwag ninyong sabihin sa inyong sarili, 'Si Abraham ang aming ama'; sapagkat sinasabi ko sa inyo, na kaya ng Diyos na gumawa ng mga anak ni Abraham mula sa mga batong ito. Ngayon pa lamang ay nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punungkahoy. Ang bawat punung-kahoy na hindi mabuti ang bunga ay pinuputol at inihahagis sa apoy. "Binabautismuhan ko nga kayo sa tubig para sa pagsisisi ngunit ang dumarating na kasunod ko ay mas makapangyarihan kaysa akin. Hindi ako karapat-dapat magdala ng kanyang sandalyas. Kanyang babautismuhan kayo sa Espiritu Santo at sa apoy. Nasa kamay niya ang kanyang kalaykay at lilinisin niya ang kanyang giikan. Titipunin niya ang kanyang trigo sa kamalig, subalit ang ipa ay susunugin niya sa apoy na hindi mapapatay." At mula sa Galilea pumunta si Jesus kay Juan sa Jordan upang magpabautismo sa kanya. Ibig siyang hadlangan ni Juan, na nagsasabi, "Ako ang dapat mong bautismuhan, at ikaw pa ang lumalapit sa akin?" Ngunit sumagot si Jesus sa kanya, "Hayaan mong mangyari ito ngayon, sapagkat ganito ang nararapat sa atin upang matupad ang buong katuwiran." At siya ay sumangayon. Nang mabautismuhan si Jesus, kaagad siyang umahon sa tubig, at nabuksan sa kanya ang kalangitan, at nakita niya ang Espiritu ng Diyos na bumababang tulad sa isang kalapati, at lumalapag sa kanya. Sinabi ng isang tinig mula sa langit, "Ito ang minamahal kong Anak, sa kanya ako lubos na nalulugod." Pagkatapos nito, si Jesus ay dinala ng Espiritu Santo sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. Siya ay apatnapung araw at apatnapung gabing nag-ayuno, pagkatapos ay nagutom siya. Dumating ang manunukso at sinabi sa kanya, "Kung ikaw ang Anak ng Diyos, ipag-utos mo na ang mga batong ito ay maging tinapay." Ngunit siya'y sumagot, "Nasusulat, 'Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.'" Pagkatapos ay dinala siya ng diablo sa banal na lunsod at inilagay siya sa taluktok ng templo, at sinabi sa kanya, "Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka, sapagkat nasusulat, 'Siya'y mag-uutos sa kanyang mga anghel tungkol sa iyo,' at 'Aalalayan ka ng kanilang mga kamay, baka masaktan ang iyong paa sa isang bato.'" Sinabi sa kanya ni Jesus, "Nasusulat din naman, 'Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.'" Muli, dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kanya ang lahat ng mga kaharian sa sanlibutan, at ang karangyaan ng mga ito. At sinabi niya sa kanya, "Ang lahat ng mga ito ay ibibigay ko sa iyo, kung ikaw ay magpapatirapa at sasamba sa akin." Sumagot sa kanya si Jesus, "Lumayas ka, Satanas! sapagkat nasusulat, 'Sambahin mo ang Panginoon mong Diyos, at siya lamang ang iyong paglingkuran.'" Pagkatapos nito'y iniwan siya ng diyablo at dumating ang mga anghel at pinaglingkuran siya. Nang mabalitaan ni Jesus na dinakip si Juan, pumunta siya sa Galilea. Nang iwan niya ang Nazaret, siya ay pumunta at tumira sa Capernaum, na nasa tabing-dagat, na sakop ng Zebulon at Neftali, upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ni propeta Isaias: "Ang lupain ni Zebulon at ang lupain ni Neftali, patungo sa dagat, sa ibayo ng Jordan, Galilea ng mga Hentil — Ang bayang nakaupo sa kadiliman, ay nakakita ng dakilang ilaw, at sa mga nakaupo sa lupain at lilim ng kamatayan, ang liwanag ay sumilay." Mula noon si Jesus ay nagpasimulang mangaral na nagsasabi, "Magsisi kayo, sapagkat malapit na ang kaharian ng langit." Sa paglalakad ni Jesus sa tabi ng Dagat ng Galilea, nakita niya ang dalawang magkapatid, si Simon na tinatawag na Pedro, at si Andres na kanyang kapatid, na naghuhulog ng lambat sa dagat, sapagkat sila'y mga mangingisda. Sinabi niya sa kanila, "Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao." Kaagad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya. At sa kanyang paglakad mula roon ay nakita niya sa bangka ang dalawa pang magkapatid, si Santiago na anak ni Zebedeo at si Juan na kanyang kapatid, kasama si Zebedeo na kanilang ama, na nag-aayos ng lambat; at kanyang tinawag sila. Kaagad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod sa kanya. At nilibot ni Jesus ang buong Galilea, na nagtuturo sa mga sinagoga nila, at ipinangangaral ang ebanghelyo ng kaharian, at nagpapagaling ng lahat ng sakit at ng lahat ng karamdaman na nasa mga tao. Kaya't napabantog siya sa buong Siria, at kanilang dinala sa kanya ang lahat ng mga may karamdaman, ang mga pinahihirapan ng sari-saring sakit at kirot, ang mga inaalihan ng mga demonyo, at ang mga may epilepsiya, at ang mga lumpo. Sila ay kanyang pinagaling. At sinundan siya ng napakaraming tao mula sa Galilea, Decapolis, Jerusalem, Judea at mula sa ibayo ng Jordan. Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, umakyat siya sa bundok, at pagkaupo niya ay lumapit sa kanya ang mga alagad niya. At binuka niya ang kanyang bibig at tinuruan sila, na sinasabi: "Mapapalad ang mga dukha sa espiritu, sapagkat kanila ang kaharian ng langit. "Mapapalad ang mga nahahapis, sapagkat sila ay aaliwin. "Mapapalad ang mga mapagpakumbaba, sapagkat mamanahin nila ang lupa. "Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagkat sila ay bubusugin. "Mapapalad ang mga mahabagin, sapagkat sila'y kahahabagan. "Mapapalad ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos. "Mapapalad ang mga mapagpayapa, sapagkat sila ay tatawaging mga anak ng Diyos. "Mapapalad ang mga inuusig dahil sa katuwiran, sapagkat kanila ang kaharian ng langit. "Mapapalad kayo kapag kayo ay nilalait, inuusig, at pinagsasabihan ng sari-saring kasamaan na pawang kasinungalingan dahil sa akin. "Magalak kayo at magsaya, sapagkat malaki ang gantimpala ninyo sa langit, sapagkat gayundin nila inusig ang mga propeta na nauna sa inyo. "Kayo ang asin ng lupa; ngunit kung ang asin ay tumabang, paano maibabalik ang alat nito? Wala na itong kabuluhan, maliban sa itapon sa labas at tapakan ng mga tao. "Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng isang burol ay hindi maitatago. Hindi nila sinisindihan ang isang ilawan at inilalagay sa ilalim ng isang takalan, kundi sa talagang patungan at nagbibigay ng liwanag sa lahat ng nasa bahay. Paliwanagin ninyo nang gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang makita nila ang inyong mabubuting gawa, at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit. "Huwag ninyong isiping pumarito ako upang sirain ang kautusan o ang mga propeta; pumarito ako hindi upang sirain, kundi upang tuparin ang mga ito. Sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, hanggang sa mawala ang langit at lupa, ang isang tuldok o isang kudlit ay hindi mawawala sa kautusan, hanggang sa matupad ang lahat ng mga bagay. Kaya't sinumang sumuway sa isa sa pinakamaliit sa mga utos na ito, at magturo nang gayon sa mga tao ay tatawaging pinakamaliit sa kaharian ng langit; ngunit ang sinumang tumupad at magturo ng mga ito ay tatawaging dakila sa kaharian ng langit. Sapagkat sinasabi ko sa inyo, malibang humigit ang inyong katuwiran sa katuwiran ng mga eskriba at mga Fariseo, ay hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit. "Narinig ninyo na sinabi sa mga tao noong unang panahon, 'Huwag kang papatay; at ang sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.' Ngunit sinasabi ko sa inyo, na ang bawat napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman at ang sinumang magsabi sa kanyang kapatid, 'Raca,' ay mananagot sa Sanhedrin; at ang sinumang magsabi, 'Ulol ka,' ay magdurusa sa nag-aapoy na impiyerno. Kaya't kung maghahandog ka ng iyong kaloob sa dambana, at doon ay naalala mo na ang iyong kapatid ay mayroong anumang laban sa iyo, iwan mo roon sa harap ng dambana ang kaloob mo, at humayo ka; makipagkasundo ka muna sa iyong kapatid, at saka ka magbalik at maghandog ng iyong kaloob. Makipagkasundo ka agad sa nagsakdal sa iyo, habang kasama mo pa siya sa daan; baka ibigay ka ng nagsakdal sa iyo sa hukom, at ibigay ka naman ng hukom sa tanod, at ipasok ka sa bilangguan. Katotohanang sinasabi ko sa iyo, hindi ka makakalabas doon hanggang hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang kusing. "Narinig ninyo na sinabi, 'Huwag kang mangangalunya.' Ngunit sinasabi ko sa inyo, na ang bawat tumitingin sa isang babae na may pagnanasa ay nagkasala na sa kanya ng pangangalunya sa kanyang puso. Kung ang kanan mong mata ang sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon, sapagkat mabuti pang mawalan ka ng isa sa mga bahagi ng iyong katawan kaysa ang buong katawan mo ay mapatapon sa impiyerno. At kung ang kanan mong kamay ang sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon, sapagkat mabuti pang mawalan ka ng isa sa mga bahagi ng iyong katawan kaysa ang buong katawan mo ay mapunta sa impiyerno. "Sinabi rin naman, 'Sinumang makipaghiwalay sa kanyang asawang babae, dapat niyang bigyan ito ng kasulatan ng paghihiwalay.' Ngunit sinasabi ko sa inyo, na ang bawat nakikipaghiwalay sa kanyang asawang babae maliban sa pakikiapid, ay nagtutulak sa kanya sa pakikiapid; at ang sinumang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala ng pangangalunya. "Narinig din ninyo na sinabi sa mga tao noong unang panahon, 'Huwag mong sisirain ang iyong panata kundi tutuparin mo ang iyong mga ipinanata sa Panginoon.' Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong ipanumpa ang anuman, maging ang langit, sapagkat iyon ang trono ng Diyos; kahit ang lupa, sapagkat ito ang tuntungan ng kanyang mga paa; kahit ang Jerusalem, sapagkat iyon ang lunsod ng dakilang Hari. Huwag mong ipanumpa maging ang iyong ulo, sapagkat hindi mo magagawang puti o itim ang isang buhok. Ngunit ang inyong pananalita ay maging Oo kung Oo; Hindi kung hindi; anumang higit pa rito ay buhat sa masama. "Narinig ninyo na sinabi, 'Mata sa mata, at ngipin sa ngipin.', Ngunit sinasabi ko sa inyo, 'Huwag ninyong labanan ang masamang tao.' At kung ikaw ay sampalin ng sinuman sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kabila. Kung ipagsakdal ka ng sinuman, at kunin ang iyong baro, ibigay mo rin sa kanya ang iyong balabal. Kung may sinumang pumilit sa iyo na lumakad ka ng isang milya, lumakad ka ng dalawang milya na kasama niya. Bigyan mo ang humihingi sa iyo, at huwag mong pagkaitan ang ibig humiram mula sa iyo. "Narinig ninyo na sinabi, 'Ibigin mo ang iyong kapwa, at kapootan mo ang iyong kaaway.' Ngunit sinasabi ko sa inyo, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at idalangin ninyo ang umuusig sa inyo, upang kayo'y maging mga anak ng inyong Ama na nasa langit, sapagkat pinasisikat niya ang kanyang araw sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga matuwid at sa mga di-matuwid. Sapagkat kung umiibig kayo sa mga umiibig lamang sa inyo, anong gantimpala mayroon kayo? Hindi ba gayundin ang ginagawa maging ng mga maniningil ng buwis? At kung mga kapatid lamang ninyo ang inyong binabati, anong ginagawa ninyo na higit kaysa iba? Hindi ba't kahit ang mga Hentil ay gayundin ang ginagawa? Kaya't kayo nga'y maging sakdal, gaya ng inyong Ama sa langit na sakdal. "Mag-ingat kayo na huwag ninyong gawin ang inyong kabanalan sa harap ng mga tao upang makita nila. Sapagkat kung gayon, wala kayong gantimpala mula sa inyong Ama na nasa langit. "Kaya, kapag ikaw ay naglilimos, huwag kang magpapatunog ng trumpeta sa harapan mo, gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa mga sinagoga at sa mga lansangan, upang papurihan sila ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kapag ikaw ay naglilimos, huwag mong hayaang malaman ng iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay, upang maging lihim ang iyong paglilimos; at ang iyong Ama na nakakakita ng mga lihim ay gagantimpalaan ka. "At kapag kayo ay nananalangin, huwag kayong maging tulad sa mga mapagkunwari; sapagkat ibig nilang tumayo at manalangin sa mga sinagoga at sa mga panulukan ng mga lansangan upang makita sila ng mga tao. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kapag ikaw ay mananalangin, pumasok ka sa iyong silid, at pagkasara mo ng iyong pinto ay manalangin ka sa iyong Ama na nasa lihim, at ang iyong Ama na nakakakita ng mga lihim ay gagantimpalaan ka.' "At sa pananalangin ay huwag kayong gumamit ng walang kabuluhang paulit-ulit, na tulad ng ginagawa ng mga Hentil, sapagkat inaakala nilang sila ay pakikinggan dahil sa marami nilang salita. Huwag nga kayong tumulad sa kanila, sapagkat alam na ng inyong Ama ang mga bagay na inyong kinakailangan, bago pa kayo humingi sa kanya. Manalangin nga kayo nang ganito: Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo. Masunod nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin naman sa lupa. Bigyan mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw At patawarin mo kami sa aming mga utang, gaya rin namin na nagpapatawad sa mga may utang sa amin. At huwag mo kaming dalhin sa tukso, kundi iligtas mo kami sa masama. Sapagkat kung pinatatawad ninyo ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, patatawarin din naman kayo ng inyong Ama na nasa langit. Ngunit kung hindi ninyo pinatatawad ang mga tao sa kanilang mga kasalanan, hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama sa inyong mga kasalanan. "At kapag kayo ay nag-aayuno, huwag kayong magmukhang mapanglaw, tulad ng mga mapagkunwari, sapagkat pinasasama nila ang kanilang mga mukha upang ipakita sa mga tao ang kanilang pag-aayuno. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kapag nag-aayuno ka, lagyan mo ng langis ang iyong ulo, at maghilamos ka ng iyong mukha; upang ang iyong pag-aayuno ay hindi makita ng mga tao, kundi ng iyong Ama na nasa lihim, at gagantimpalaan ka ng iyong Ama na nakakakita ng lihim na bagay. "Huwag kayong magtipon ng mga kayamanan para sa inyong sarili sa lupa, na dito ay naninira ang bukbok at ang kalawang at ang mga magnanakaw ay nakakapasok at nakakapagnakaw; kundi magtipon kayo para sa inyong sarili ng mga kayamanan sa langit, na doon ang bukbok at ang kalawang ay hindi makapaninira at ang mga magnanakaw ay hindi rin makakapasok ni makakapagnakaw. Sapagkat kung nasaan ang iyong kayamanan, naroon din naman ang iyong puso. "Ang mata ang ilawan ng katawan: Kung tapat ang iyong mata, ang buong katawan mo'y mapupuno ng liwanag. Ngunit kung masama ang iyong mata, ang iyong buong katawan ay magiging kadiliman. Kaya't kung ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman, anong laki ng kadiliman! "Walang makapaglilingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa; o magiging tapat siya sa isa, at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilingkod sa Diyos at sa kayamanan." "Kaya nga sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin, o kung ano ang inyong iinumin; kahit sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot. Hindi ba higit ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa damit? Tingnan ninyo ang mga ibon sa himpapawid: hindi sila naghahasik, o gumagapas, o nag-iimbak man sa mga kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba higit na mahalaga kayo kaysa kanila? Sino sa inyo na dahil sa pagkabalisa ay mapapahaba ang kanyang buhay?" At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Pansinin ninyo ang mga liryo sa parang, kung paano silang lumalaki; hindi sila gumagawa o humahabi man. Gayunma'y sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakapagdamit nang tulad sa isa sa mga ito. At kung gayon binibihisan ng Diyos ang damo sa parang, na ngayon ay buhay, at sa kinabukasan ay itinatapon sa kalan, hindi ba lalo niya kayong bibihisan, O kayong maliliit ang pananampalataya? Kaya huwag kayong mabalisa, na magsasabing, Ano ang aming kakainin?' o, Ano ang aming iinumin?' o, Ano ang aming isusuot?' Sapagkat hinahanap ng mga Hentil ang lahat ng mga bagay na ito; at batid ng inyong Ama sa langit na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. Ngunit hanapin muna ninyo ang kanyang kaharian at ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo. "Kaya't huwag ninyong alalahanin ang bukas, sapagkat ang bukas ang mag-aalala sa kanyang sarili. Sapat na para ngayon ang kabalisahan sa araw na ito. "Huwag humatol upang hindi kayo mahatulan. Sapagkat sa hatol na inyong ihahatol ay hahatulan kayo; at sa panukat na inyong isusukat, ay susukatin kayo. Bakit mo nakikita ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo pinapansin ang troso na nasa iyong sariling mata? O paano mong nasasabi sa iyong kapatid, 'Hayaan mong alisin ko ang puwing sa iyong mata,' samantalang mayroong troso sa iyong sariling mata? Ikaw na mapagkunwari, alisin mo muna ang troso sa iyong sariling mata at nang magkagayon, makakakita ka nang malinaw upang maalis mo ang puwing sa mata ng iyong kapatid. "Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang mga banal na bagay; at huwag kayong magtapon ng inyong mga perlas sa harap ng mga baboy; baka yurakan nila ang mga ito ng kanilang mga paa, at pagbalingan kayo at lapain. "Humingi kayo, at kayo ay bibigyan; humanap kayo, at kayo ay makakatagpo, tumuktok kayo, at kayo'y pagbubuksan. Sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakakatagpo; at ang tumuruktok ay pinagbubuksan. Mayroon bang tao sa inyo, na kung humingi ng tinapay sa kanya ang kanyang anak ay bato ang ibibigay? O kung humingi siya ng isda ay bibigyan niya ito ng ahas? Kung kayo nga na masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit ang magbigay ng mabubuting bagay sa mga humihingi sa kanya? "Kaya, anumang bagay na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, gayon ang gawin ninyo sa kanila; sapagkat ito ang kautusan at ang mga propeta. "Pumasok kayo sa makipot na pintuan, sapagkat maluwang ang pintuan at malapad ang daang patungo sa kapahamakan, at marami ang pumapasok doon. Sapagkat makipot ang pintuan at masikip ang daang patungo sa buhay, at kakaunti ang nakakatagpo niyon. "Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta, na lumalapit sa inyo na may damit tupa, ngunit sa loob ay mga ganid na asong-gubat. Makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga. Nakakapitas ba ng mga ubas sa mga tinikan, o ng mga igos sa mga dawagan? Gayundin naman, ang bawat mabuting puno ay mabuti ang bunga, ngunit ang masamang puno ay masama ang bunga. Hindi maaaring mamunga ng masama ang mabuting puno at mamunga ng mabuti ang masamang puno. Bawat puno na hindi mabuti ang bunga ay pinuputol, at itinatapon sa apoy. Kaya't makikilala ninyo sila sa kanilang mga bunga. "Hindi lahat ng nagsasabi sa akin 'Panginoon, Panginoon', ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit. Sa araw na iyon ay marami ang magsasabi sa akin, 'Panginoon, Panginoon, hindi ba nagpropesiya kami sa iyong pangalan, at nagpalayas ng mga demonyo sa iyong pangalan, at sa iyong pangalan ay gumawa kami ng maraming gawang makapangyarihan?' At kung magkagayon ay ipahahayag ko sa kanila, 'Hindi ko kayo kilala kailanman; lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan!' "Kaya't ang bawat nakikinig sa mga salita kong ito at ginaganap ang mga ito ay matutulad sa isang matalinong tao na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato. Bumagsak ang ulan, at dumating ang baha. Humihip ang mga hangin at hinampas ang bahay na iyon, ngunit hindi iyon bumagsak, sapagkat itinayo sa ibabaw ng bato. Ang bawat nakikinig sa mga salita kong ito at hindi ginaganap ang mga ito ay matutulad sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan. Bumagsak ang ulan, at dumating ang baha. Humihip ang mga hangin at hinampas ang bahay na iyon, at iyon ay bumagsak; napakalakas nga ng kanyang pagbagsak." At nang matapos na ni Jesus ang mga salitang ito, namangha ang napakaraming tao sa kanyang aral; sapagkat nagturo siya sa kanila na tulad sa may awtoridad at hindi gaya ng kanilang mga eskriba. Nang bumaba si Jesus mula sa bundok, sinundan siya ng napakaraming tao; at lumapit sa kanya ang isang ketongin, at lumuhod sa harapan niya na nagsasabi, "Panginoon, kung ibig mo ay malilinis mo ako." Iniunat ni Jesus ang kanyang kamay, at hinawakan niya ito na nagsasabi, "Ibig ko. Maging malinis ka." At nalinis kaagad ang kanyang ketong. At sinabi ni Jesus sa kanya, "Ingatan mong huwag sabihin kaninuman, kundi humayo ka, magpakita ka sa pari, at ihandog mo ang kaloob na ipinag-utos ni Moises bilang patotoo sa kanila." Pagpasok niya sa Capernaum ay lumapit sa kanya ang isang senturion na nakikiusap sa kanya, at nagsasabi, "Panginoon, ang aking alipin ay nakaratay sa bahay, lumpo, at lubha siyang nahihirapan." Sinabi niya sa kanya, "Pupuntahan ko siya at pagagalingin." Ngunit sumagot ang senturion at sinabi, "Panginoon, hindi ako karapat-dapat sa iyo na puntahan mo ang aking bahay, ngunit sabihin mo lamang ang salita at gagaling ang aking alipin. Sapagkat ako ay isang taong nasa ilalim ng awtoridad na may mga kawal na nasa ilalim ko. Sinasabi ko sa isa, 'Humayo ka,' at siya ay humahayo; at sa iba naman, Halika,' at siya ay lumalapit; at sa aking alipin, 'Gawin mo ito,' at ginagawa nga niya. " Nang marinig ito ni Jesus ay namangha siya, at sinabi sa mga sumusunod sa kanya, "Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kahit sa Israel man ay hindi ako nakatagpo ng ganito kalaking pananampalataya. Sinasabi ko sa inyo, marami ang manggagaling sa silangan at sa kanluran at mauupong kasalo ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob sa kaharian ng langit, ngunit ang mga anak ng kaharian ay itatapon sa kadilimang nasa labas. Doon nga ang pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin." Sinabi ni Jesus sa senturion, "Humayo ka na; mangyayari para sa iyo ang ayon sa iyong pananampalataya." At gumaling nga ang alipin nang oras ding iyon. Nang pumasok si Jesus sa bahay ni Pedro, nakita niya ang biyenang babae nito na nakaratay dahil sa lagnat. Hinawakan niya ang kamay ng babae, at nawala ang kanyang lagnat. Bumangon siya at naglingkod kay Jesus. Nang gabing iyon ay dinala nila sa kanya ang maraming inaalihan ng mga demonyo. Pinalayas niya ang mga espiritu sa pamamagitan ng salita at pinagaling ang lahat ng mga may sakit. Ito ay upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ni propeta Isaias: "Kinuha niya ang ating mga sakit at pinasan niya ang ating mga karamdaman." Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao sa palibot niya, ipinag-utos niyang tumawid sa kabilang pampang. Lumapit ang isang eskriba at nagsabi sa kanya, "Guro, susunod ako sa iyo saan ka man magtungo." Sinabi ni Jesus sa kanya, "May mga lungga ang mga asong-gubat, at ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad; ngunit ang Anak ng Tao ay walang mapagpahingahan ng kanyang ulo." Isa pa sa mga alagad ay nagsabi sa kanya, "Panginoon, hayaan mo muna akong makauwi at mailibing ko ang aking ama." Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, "Sumunod ka sa akin; at hayaan mong ang mga patay ang maglibing sa sarili nilang mga patay." Nang makasakay si Jesus sa bangka, sumunod sa kanya ang kanyang mga alagad. At dumating ang isang malakas na bagyo sa dagat, anupa't matatabunan na ng alon ang bangka; ngunit siya ay natutulog. Lumapit sila sa kanya at siya ay ginising, na nagsasabi, "Panginoon, iligtas mo kami; mamamatay kami!" Sinabi niya sa kanila, "Bakit kayo natatakot, O kayong maliliit ang pananampalataya?" Kaya't bumangon siya at sinaway ang mga hangin at ang dagat, at nagkaroon ng lubos na kapayapaan. Kaya't namangha ang mga tao, na nagsasabi, "Anong uring tao ito na maging ang mga hangin at ang dagat ay sumusunod sa kanya?" Nang makarating si Jesus sa kabilang pampang, sa lupain ng mga Gadareno, ay sinalubong siya ng dalawang inaalihan ng mga demonyo na lumabas mula sa mga libingan. Napakabangis nila kaya't walang makadaan doon. Sila ay sumigaw na nagsasabi, "Anong gagawin mo sa amin, O Anak ng Diyos? Naparito ka ba upang pahirapan kami bago dumating ang takdang panahon?" Sa may kalayuan sa kanila ay may isang kawan ng maraming baboy na nanginginain. At nagmakaawa sa kanya ang mga demonyo, na nagsasabi, "Kung palalayasin mo kami ay papuntahin mo kami sa kawan ng mga baboy." Sinabi niya sa kanila, "Humayo kayo." Lumabas nga sila at pumasok sa mga baboy, at ang buong kawan ng mga baboy ay bumulusok sa bangin patungo sa dagat at namatay sila sa tubig. Tumakas ang mga tagapag-alaga ng mga iyon; at pagpasok nila sa bayan ay sinabi nila ang buong pangyayari at ang nangyari sa mga inalihan ng mga demonyo. Lumabas ang buong bayan upang salubungin si Jesus at pagkakita nila sa kanya, pinakiusapan nila siyang umalis sa kanilang nasasakupan. Pagkatapos sumakay sa isang bangka, tumawid si Jesus at dumating sa kanyang sariling bayan. Dinala nila sa kanya ang isang lumpo na nakaratay sa isang higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa lumpo, "Anak, lakasan mo ang iyong loob, pinatatawad na ang iyong mga kasalanan." Ang ilan sa mga eskriba ay nagsabi, "Nilalapastangan ng taong ito ang Diyos." Ngunit palibhasa'y alam ni Jesus ang kanilang mga iniisip ay sinabi niya, "Bakit nag-iisip kayo sa inyong mga puso ng masama? Sapagkat alin ba ang mas madali, ang sabihing, 'Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan?' o sabihing, 'Tumindig ka at lumakad?' Ngunit upang malaman ninyo na sa lupa ay may awtoridad ang Anak ng Tao na magpatawad ng mga kasalanan," kaya't sinabi niya sa lumpo, "Tumindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa bahay mo." Tumindig siya at umuwi sa kanyang bahay. Nang makita ito ng maraming tao, sila ay natakot at niluwalhati nila ang Diyos, na nagbigay ng gayong awtoridad sa mga tao. Habang si Jesus ay naglalakad mula roon, nakita niya ang isang tao na tinatawag na Mateo na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi niya sa kanya, "Sumunod ka sa akin." At siya ay tumayo at sumunod sa kanya. Habang nakaupo siya sa may hapag-kainan sa bahay, dumating ang maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan at umupong kasalo ni Jesus at ng kanyang mga alagad. Nang makita ito ng mga Fariseo, sinabi nila sa kanyang mga alagad, "Bakit nakikisalo ang inyong guro sa mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?" Ngunit nang marinig niya ito ay sinabi niya, 'Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit. Kaya, humayo kayo at pag-aralan ninyo kung ano ang kahulugan nito: 'Habag ang ibig ko, at hindi handog.' Sapagkat hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan." Pagkatapos ay lumapit sa kanya ang mga alagad ni Juan na nagsasabi, "Bakit kami at ang mga Fariseo ay nag-aayuno ngunit ang mga alagad mo ay hindi nag-aayuno?" At sinabi sa kanila ni Jesus, "Maaari bang magluksa ang mga panauhin sa kasalan samantalang kasama pa nila ang lalaking ikakasal? Ngunit darating ang mga araw na ang lalaking ikakasal ay kukunin sa kanila, at saka sila mag-aayuno. Sinuman ay hindi nagtatagpi ng bagong tela sa lumang damit; sapagkat binabatak ng tagpi ang damit at lumalalaangpunit. Hindi rin inilalagay ang bagong alak sa mga lumang sisidlang balat; sapagkat kung gayon, puputok ang mga balat, at matatapon ang alak, at masisira ang mga balat; ngunit inilalagay ang bagong alak sa mga bagong balat, at pareho silang tumatagal." Samantalang sinasabi niya sa kanila ang mga bagay na ito, may dumating na isang pinuno at lumuhod sa harapan niya at nagsabi, "Kamamatay pa lamang ng aking anak na babae, ngunit puntahan mo siya at ipatong mo ang iyong kamay sa kanya, at mabubuhay siya." Tumayo si Jesus at sumunod sa kanya, kasama ang kanyang mga alagad. Samantala, may isang babaing labindalawang taon nang dinudugo ang lumapit sa likuran niya at hinipo nito ang laylayan ng kanyang damit; sapagkat sinabi niya sa kanyang sarili, "Kung mahihipo ko lamang ang kanyang damit ay gagaling ako." Nang lumingon si Jesus at nakita siya ay sinabi niya, "Anak, lakasan mo ang iyong loob; pinagaling ka ng iyong pananampalataya." Gumaling nga ang babae sa oras ding iyon. Nang dumating na si Jesus sa bahay ng pinuno, at makita niya ang mga manunugtog ng plauta at ang maraming tao na nagkakagulo, ay sinabi niya, "Umalis na kayo, sapagkat hindi patay ang batang babae kundi natutulog lamang." At siya ay pinagtawanan nila. Ngunit nang mapalabas na ang maraming tao, pumasok siya at hinawakan ang kamay ng batang babae at ito ay bumangon. At kumalat ang balitang ito sa buong lupaing iyon. Nang papaalis na si Jesus mula roon, sinundan siya ng dalawang lalaking bulag na sumisigaw ng malakas, "Mahabag ka sa amin, Anak ni David." Nang makapasok na siya sa bahay, lumapit sa kanya ang mga lalaking bulag; at sinabi sa kanila ni Jesus, "Sumasampalataya ba kayo na magagawa ko ito?" Sinabi nila sa kanya, "Opo, Panginoon." Kaya't hinipo niya ang kanilang mga mata, na sinasabi, "Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong pananampalataya." At nabuksan ang kanilang mga mata. Mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus, "Ingatan ninyo na walang makakaalam nito." Ngunit sila ay umalis, at ikinalat ang balita tungkol sa kanya sa buong lupaing iyon. Nang makaalis na sila, dinala sa kanya ang isang lalaking pipi na inaalihan ng demonyo. Nang mapalabas na ang demonyo, nagsalita ang dating pipi. Namangha ang maraming tao at nagsabi, "Wala pang nakitang tulad nito sa Israel." Ngunit sinabi ng mga Fariseo, "Nagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng pinuno ng mga demonyo." Nilibot ni Jesus ang lahat ng mga lunsod at mga nayon, na nagtuturo sa mga sinagoga nila at ipinangangaral ang magandang balita ng kaharian, at pinapagaling ang bawat sakit at bawat karamdaman. Nang makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila, sapagkat sila ay nangangamba at nanlulupaypay na gaya ng mga tupa na walang pastol. Kaya't sinabi niya sa kanyang mga alagad, "Tunay na napakarami ng aanihin, ngunit kakaunti ang manggagawa; idalangin ninyo sa Panginoon ng anihin, na magpadala ng mga manggagawa sa kanyang aanihin." Pagkatapos ay tinawag ni Jesus ang kanyang labindalawang alagad, at kanyang binigyan sila ng kapangyarihan sa masasamang espiritu, upang kanilang mapalayas sila at pagalingin nila ang bawat sakit at karamdaman. Ang mga pangalan ng labindalawang apostol ay ito: ang una ay si Simon na tinatawag na Pedro, si Andres na kanyang kapatid; si Santiago na anak ni Zebedeo, at si Juan na kanyang kapatid; si Felipe at si Bartolome; si Tomas at si Mateo na maniningil ng buwis; si Santiago na anak ni Alfeo, at si Tadeo; si Simon na Cananeo, at si Judas Iscariote, na nagkanulo sa kanya. Ang labindalawang ito ay isinugo ni Jesus, at inutusan na sinasabi, "Huwag kayong pupunta sa pook ng mga Hentil, at huwag kayong papasok sa alinmang bayan ng mga Samaritano; kundi puntahan ninyo ang mga nawawalang tupa sa bahay ni Israel. At habang kayo ay humahayo, ipangaral ninyo at sabihing, 'Malapit na ang kaharian ng langit.' Pagalingin ninyo ang mga maysakit, buhayin ninyo ang mga patay, linisin ninyo ang mga ketongin, palayasin ninyo ang mga demonyo. Tinanggap ninyong walang bayad, ibigay ninyong walang bayad. Huwag kayong magdala ng ginto, o pilak, o tanso sa inyong mga lalagyan ng pera; o supot sa inyong paglalakbay, o dalawang baro o mga sandalyas, o tungkod, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanyang pagkain. Sa alinmang bayan o nayon kayo makapasok, hanapin ninyo kung sino roon ang karapat-dapat; at makitira kayo sa kanya hanggang sa inyong pag-alis. Pagpasok ninyo sa bahay, batiin ninyo ito. At kung karapat-dapat ang sambahayan, hayaang mapunta roon ang inyong kapayapaan, ngunit kung hindi karapat-dapat, hayaang mabalik sa inyo ang inyong kapayapaan. Sinumang hindi tumanggap sa inyo, o duminig sa inyong mga salita, pag-alis ninyo sa bahay o bayang iyon, ay ipagpag ninyo ang alabok ng inyong mga paa. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, higit pang mapapagtiisan sa araw ng paghuhukom ang mga lupain ng Sodoma at Gomorra, kaysa bayang iyon. "Ngayon, sinusugo ko kayong tulad ng mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat, kaya't maging matalino kayong gaya ng mga ahas at maamong gaya ng mga kalapati. Mag-ingat kayo sa mga tao, sapagkat ibibigay nila kayo sa mga hukuman at hahagupitin nila kayo sa kanilang mga sinagoga, at kakaladkarin nila kayo sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, upang magpatotoo sa kanila at sa mga Hentil. Ngunit kapag kayo ay naibigay na nila, huwag kayong mangamba kung paano kayo magsasalita o kung ano ang inyong sasabihin, sapagkat ipagkakaloob sa inyo sa oras na iyon ang inyong sasabihin; sapagkat hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo. Ipagkakanulo ng kapatid ang kanyang kapatid tungo sa kamatayan, at ng ama ang kanyang anak at maghihimagsik ang mga anak laban sa kanilang mga magulang, at ipapapatay nila ang mga ito. At kapopootan kayo ng lahat dahil sa aking pangalan. Ngunit ang magtiis hanggang sa wakas ay maliligtas. Kapag inuusig nila kayo sa isang bayan, tumakas kayo tungo sa kasunod, sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, 'Hindi ninyo mapupuntahan lahat ang mga bayan ng Israel, bago dumating ang Anak ng Tao.' "Hindi nakahihigit ang alagad sa kanyang guro, o ang alipin sa kanyang panginoon. Sapat na sa alagad ang maging tulad ng kanyang guro at sa alipin ang maging tulad ng kanyang panginoon. Kung tinawag nilang Beelzebul ang panginoon ng sambahayan, gaano pa kaya nila lalaitin ang mga kasambahay niya! "Kaya, huwag ninyo silang katakutan sapagkat walang bagay na natatakpan na hindi mahahayag; at walang natatago na hindi malalaman. Anumang sinasabi ko sa inyo sa dilim, sabihin ninyo sa liwanag; at ang narinig ninyo sa bulong ay ipag-sigawan ninyo sa ibabaw ng mga bubungan. At huwag ninyong katakutan ang mga pumapatay ng katawan, ngunit hindi nakakapatay ng kaluluwa, kundi katakutan ninyo siyang makakapuksa ng kaluluwa at ng katawan sa impiyerno. Hindi ba ipinagbibili ng isang kusing ang dalawang maya? Ngunit isa man sa kanila ay hindi nahuhulog sa lupa na hindi batid ng inyong Ama. At maging ang mga buhok sa inyong ulo ay bilang na lahat. Huwag nga kayong matakot; kayo ay higit na mahalaga kaysa maraming maya. "Kaya't ang bawat kumikilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin ko rin sa harapan ng aking Ama na nasa langit. Ngunit sinumang magkaila sa akin sa harapan ng mga tao, ay ipagkakaila ko rin naman sa harapan ng aking Ama na nasa langit. "Huwag ninyong isiping pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; hindi ako pumarito upang magdala ng kapayapaan, kundi ng tabak. Sapagkat pumarito ako upang paglabanin ang lalaki at ang kanyang ama, ang anak na babae at ang kanyang ina, at ang manugang na babae at ang kanyang biyenang babae. At ang magiging kaaway ng tao ay ang sarili niyang mga kasambahay. Ang umiibig sa ama o sa ina nang higit kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin; at ang umiibig sa anak na lalaki o anak na babae nang higit kaysa akin ay hindi karapat-dapat sa akin; at ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nagsisikap magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; at ang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay makakatagpo nito. "Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang tumatanggap sa isang propeta alang-alang sa pangalan ng propeta ay tatanggap ng gantimpala ng isang propeta; at ang tumatanggap sa isang taong matuwid alang-alang sa pangalan ng isang taong matuwid ay tatanggap ng gantimpala ng isang taong matuwid. At sinumang magbigay ng kahit isang basong tubig na malamig sa isa sa maliliit na ito sa pangalan ng isang alagad, katotohanang sinasabi ko sa inyo, tiyak na hindi siya mawawalan ng kanyang gantimpala." Nang matapos pagbilinan ni Jesus ang kanyang labindalawang alagad, umalis siya roon upang magturo at mangaral sa mga bayan nila. Nang marinig ni Juan sa bilangguan ang mga gawa ng Cristo, nagpasabi siya sa pamamagitan ng kanyang mga alagad, at sinabi sa kanya, "Ikaw ba iyong darating o maghihintay kami ng iba?" Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, "Humayo kayo at sabihin ninyo kay Juan ang inyong naririnig at nakikita: Ang mga bulag ay nakakakita, ang mga pilay ay nakakalakad, ang mga ketongin ay nalilinis, ang mga bingi ay nakakarinig, at ang mga patay ay muling binubuhay at ipinangangaral sa mga dukha ang magandang balita. Mapalad ang sinumang hindi natitisod sa akin." Habang papaalis na ang mga ito, nagpasimulang magsalita si Jesus sa maraming tao tungkol kay Juan: "Ano ang pinuntahan ninyo sa ilang upang makita? Isa bang tambo na inuuga ng hangin? Ngunit ano ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang taong nakasuot ng malalambot na damit? Tingnan ninyo, ang mga nagsusuot ng malambot na damit ay nasa mga bahay ng mga hari. Ngunit ano ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo, at higit pa kaysa isang propeta. Ito yaong tungkol sa kanya ay nasusulat, 'Narito, ipinapadala ko ang aking sugo na nauuna sa iyo, na maghahanda ng iyong daan sa harapan mo.' Katotohanang sinasabi ko sa inyo, sa mga ipinanganak ng mga babae ay wala pang lumitaw ni isa na higit na dakila kaysa kay Juan na Tagapagbautismo; gayunman, ang pinakamaliit sa kaharian ng langit ay higit na dakila kaysa kanya. Mula sa mga araw ni Juan na Tagapagbautismo hanggang ngayon, ang kaharian ng langit ay sapilitang pinapasok at sinasakop ng mga taong mararahas. Sapagkat ang lahat ng mga propeta at ang kautusan ay nagpropesiya hanggang kay Juan; at kung ibig ninyong tanggapin, siya si Elias na darating. Ang may pandinig ay makinig. "Ngunit sa ano ko ihahambing ang lahing ito? Ito ay tulad sa mga batang nakaupo sa mga pamilihan na tumatawag sa kanilang mga kasama, na sinasabi, 'Tinugtugan namin kayo ng plauta, ngunit hindi kayo sumayaw; tumangis kami, ngunit hindi kayo nahapis.' Sapagkat dumating si Juan na hindi kumakain o umiinom at sinasabi nila, 'Mayroon siyang demonyo.' Dumating ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at sinasabi nila, 'Tingnan ninyo, ang isang taong matakaw at isang maglalasing, isang kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!' Ngunit ang karunungan ay pinapagtibay ng kanyang mga gawa." Kaya't pinasimulan niyang sumbatan ang mga lunsod na ginawan niya ng karamihan sa kanyang mga makapangyarihang gawa sapagkat hindi sila nagsisi. "Kahabag-habag ka, Corazin! Kahabag-habag ka, Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga makapangyarihang gawa na ginawa sa inyo, matagal na sana silang nagsisi na may damit-sako at abo. Ngunit sinasabi ko sa inyo, higit pang mapagtitiisan sa araw ng paghuhukom ang Tiro at Sidon kaysa inyo. At ikaw, Capernaum, itataas ka ba hanggang sa langit? Ibababa ka hanggang sa Hades. Sapagkat kung sa Sodoma ginawa ang mga makapangyarihang gawa na ginawa sa iyo, nanatili sana iyon hanggang sa araw na ito. Ngunit sinasabi ko sa inyo, higit pang mapapagtiisan sa araw ng paghuhukom ang lupain ng Sodoma kaysa inyo." Nang oras na iyon ay sinabi ni Jesus, "Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat ikinubli mo ang mga bagay na ito sa mga pantas at matatalino, at ipinahayag mo sa mga sanggol; Oo, Ama, sapagkat gayon ang mapagpala mong kalooban. Ang lahat ng mga bagay ay ibinigay sa akin ng aking Ama. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama; at walang nakakakilala sa Ama, kundi ang Anak, at sinumang piliin ng Anak na pagpahayagan niya. Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nanlulupaypay at lubhang nabibigatan at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan. Pasanin ninyo ang aking pamatok, at matuto kayo sa akin; sapagkat ako'y maamo at may mapagpakumbabang puso at makakatagpo kayo ng kapahingahan para sa inyong mga kaluluwa. Sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang aking pasan." Nang panahong iyon ay dumaan si Jesus sa bukirin ng mga trigo nang araw ng Sabbath. Nagutom ang kanyang mga alagad at nagsimula silang pumitas ng mga uhay at kumain. Ngunit nang makita ito ng mga Fariseo, sinabi nila sa kanya, "Tingnan mo, ginagawa ng mga alagad mo ang hindi ipinahihintulot na gawin sa Sabbath." Subalit sinabi niya sa kanila, "Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang nagutom siya at ang mga kasamahan niya; kung paanong pumasok siya sa bahay ng Diyos, at kumain siya ng tinapay na handog, na hindi ipinahihintulot na kainin niya o ng mga kasamahan niya, kundi ng mga pari lamang? O hindi ba ninyo nabasa sa kautusan, kung paanong sa mga araw ng Sabbath ay winalang-galang ng mga pari sa templo ang Sabbath, at hindi sila nagkasala? Ngunit sinasabi ko sa inyo, isang higit na dakila kaysa templo ang narito. Ngunit kung nalaman ninyo kung ano ang kahulugan nito, 'Habag ang ibig ko, at hindi handog,' hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang sala. Sapagkat ang Anak ng Tao ay panginoon ng Sabbath." Umalis si Jesus doon at pumasok sa kanilang sinagoga. At doon ay may isang taong tuyo ang isang kamay. Siya ay tinanong nila, "Matuwid bang magpagaling sa araw ng Sabbath?" upang siya'y maparatangan nila. Sinabi niya sa kanila, "Sino kaya sa inyo, na kung mayroon siyang isang tupa, at nahulog ito sa isang hukay sa araw ng Sabbath, ay hindi ba niya ito aabutin, at hahanguin? Gaano pa ngang higit na mahalaga ang isang tao kaysa isang tupa! Kaya't matuwid na gumawa ng mabuti sa araw ng Sabbath." Pagkatapos ay sinabi niya sa lalaki, "Iunat mo ang iyong kamay." At iniunat nga niya, at naibalik ito sa dati, magaling na gaya ng isa. Ngunit umalis ang mga Fariseo at nagpulong laban sa kanya kung papaano siya pupuksain. Nang malaman ito ni Jesus ay umalis siya roon. Sinundan siya ng marami at pinagaling niya silang lahat, at ipinag-utos niya sa kanila, na siya'y huwag nilang ipamamalita. Ito ay upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ni propeta Isaias, na sinasabi: "Narito ang lingkod ko na aking hinirang, ang minamahal ko na kinalulugdan ng aking kaluluwa. Ilalagay ko sa kanya ang aking Espiritu, at ipahahayag niya ang katarungan sa mga Hentil. Hindi siya makikipagtalo, o sisigaw, o maririnig ng sinuman ang kanyang tinig sa mga lansangan. Hindi niya babaliin ang tambong nasugatan, o papatayin ang nagbabagang mitsa, hanggang ang katarungan ay dalhin niya sa tagumpay; at aasa ang mga Hentil sa kanyang pangalan." Pagkatapos ay dinala kay Jesus ang isang bulag at pipi na inaalihan ng demonyo, at kanyang pinagaling ito kaya't ang dating pipi ay nakapagsalita at nakakita. At ang lahat ng tao ay namangha at nagsabi, "Ito na kaya ang Anak ni David?" Ngunit nang marinig ito ng mga Fariseo ay sinabi nila, "Ang taong ito'y nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan lamang ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo." Ngunit nalalaman niya ang mga iniisip nila, at sinabi niya sa kanila, "Ang bawat kahariang nahahati laban sa kanyang sarili ay mawawasak; at ang bawat lunsod o bahay na nahahati laban sa kanyang sarili ay hindi makakatayo. Kung pinalalayas ni Satanas si Satanas, siya ay nahahati laban sa kanyang sarili; paano ngang makakatayo ang kanyang kaharian? At kung sa pamamagitan ni Beelzebul ay nagpapalayas ako ng mga demonyo, sa pamamagitan nino sila pinalalayas ng inyong mga anak? Kaya't sila ang magiging mga hukom ninyo. Ngunit kung sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos ay nagpapalayas ako ng mga demonyo, dumating na nga sa inyo ang kaharian ng Diyos. O paano bang makakapasok ang sinuman sa bahay ng malakas na tao at nakawin ang mga ari-arian nito, kung hindi muna gagapusin ang malakas na tao? At saka pa lamang niya mapagnanakawan ang bahay nito. Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi ko kasamang nagtitipon ay nagkakalat. Kaya't sinasabi ko sa inyo, ang bawat kasalanan at paglapastangan ay ipatatawad sa mga tao; ngunit ang paglapastangan laban sa Espiritu ay hindi ipatatawad. At ang sinumang magsabi ng isang salita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin; ngunit ang sinumang magsalita laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin maging sa panahong ito o sa darating. "O gawin ninyong mabuti ang puno at mabuti ang bunga nito o gawin ninyong masama ang puno at masama ang bunga nito; sapagkat ang puno ay nakikilala sa pamamagitan ng kanyang bunga. Kayong lahi ng mga ulupong! Paano kayo makapagsasalita ng mabubuting bagay gayong kayo ay masasama? Sapagkat sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang bibig. Ang mabuting tao ay naglalabas ng mabubuting bagay mula sa kanyang mabuting kayamanan, at ang masamang tao ay naglalabas ng masasamang bagay mula sa kanyang masamang kayamanan. Subalit sinasabi ko sa inyo, na sa araw ng paghuhukom ay pananagutan ng mga tao ang bawat salita na binigkas na walang ingat. Sapagkat sa pamamagitan ng iyong mga salita ay pawawalangsala ka at sa pamamagitan ng iyong salita ay mahahatulan ka." Pagkatapos, ilan sa mga eskriba at mga Fariseo ang nagwika sa kanya, "Guro, ibig naming makakita ng isang tanda mula sa iyo." Ngunit sumagot siya sa kanila, "Humahanap ng tanda ang isang masama at mapangalunyang lahi; ngunit walang tanda na ibibigay sa kanya, liban sa tanda ng propeta Jonas. Sapagkat kung paanong si Jonas ay nasa tiyan ng isang dambuhala sa dagat sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi, gayundin naman ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabing mapapasailalim ng lupa. Ang mga tao ng Ninive ay tatayo sa paghuhukom na kasama ng lahing ito at hahatulan nila ito, sapagkat nagsisi sila sa pangangaral ni Jonas; at masdan ninyo, may isang higit na dakila kaysa kay Jonas ang narito. Ang reyna ng timog ay tatayo sa paghuhukom na kasama ng lahing ito, at hahatulan niya ito, sapagkat nanggaling siya sa mga dulo ng daigdig upang makinig sa karunungan ni Solomon; at masdan ninyo, may isang higit na dakila kaysa kay Solomon ang narito. "Kaya't nang makalabas mula sa isang tao ang maruming espiritu, nagpagala-gala ito sa mga dakong walang tubig na humahanap ng mapapagpahingahan, ngunit wala siyang matagpuan. Kaya't sinasabi niya, 'Babalik ako sa aking bahay na pinanggalingan.' Pagdating niya ay natagpuan niya iyong walang laman, nawalisan at naiayos na. Pagkatapos ay umalis siya, at nagsasama pa ng pitong espiritu na higit na masasama kaysa kanya, at sila'y pumapasok at naninirahan doon; at ang huling kalagayan ng taong iyon ay naging masahol pa kaysa una. Gayundin ang mangyayari sa masamang lahing ito." Samantalang nagsasalita pa si Jesus sa maraming tao, ang kanyang ina at mga kapatid na lalaki ay nakatayo sa labas at ibig nilang makausap siya. [May nagsabi sa kanya, "Narito, ang iyong ina at mga kapatid ay nakatayo sa labas, at ibig ka nilang makausap."] Ngunit sumagot siya at sinabi sa nagsabi sa kanya, "Sino ang aking ina at sinu-sino ang aking mga kapatid?" Itinuro niya ang kamay niya sa kanyang mga alagad, at sinabi, "Narito ang aking ina at ang aking mga kapatid! Sapagkat sinumang gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa langit, ay siyang aking mga kapatid na lalaki at babae, at ina." Nang araw ding iyon ay lumabas si Jesus sa bahay at umupo sa tabi ng dagat. Nagtipun-tipon sa palibot niya ang napakaraming tao, kaya't sumakay siya sa isang bangka at umupo roon samantalang ang lahat ng tao ay nakatayo sa baybayin. At nagsalita siya sa kanila ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga, na sinasabi: "Makinig kayo! Isang manghahasik ang humayo upang maghasik. Habang siya'y naghahasik, may mga binhing nahulog sa tabing daan; at dumating ang mga ibon at kinain nila ang mga ito. Ang iba nama'y nahulog sa batuhan na doo'y kakaunti lamang ang lupa; at kaagad silang sumibol yamang hindi malalim ang lupa. Kaya't pagsikat ng araw, ang mga iyon ay natuyo at dahil sa walang ugat ang mga iyon ay tuluyang nalanta. Ang iba ay nahulog sa mga tinikan. Lumaki ang mga tinik at sinakal ang mga iyon. Ang iba ay nahulog sa mabuting lupa, at namunga. Ang iba ay tig-iisang daan, ang iba ay animnapu, ang iba ay tatlumpu. Ang mga may pandinig ay makinig." Lumapit ang mga alagad, at sinabi nila sa kanya, "Bakit ka nagsasalita sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga?" Sumagot siya at sinabi sa kanila, "Sapagkat sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga hiwaga ng kaharian ng langit, ngunit hindi ipinagkaloob sa kanila. Sapagkat sinumang mayroon ay lalong bibigyan, at magkakaroon siya ng kasaganaan; ngunit sinumang wala, pati ang nasa kanya ay kukunin. Dahil dito ay nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng mga talinghaga, sapagkat sa kanilang pagtingin ay hindi sila nakakakita, at sa kanilang pakikinig ay hindi sila nakakarinig, at hindi sila nakakaunawa. Natutupad nga sa kanila ang propesiya ni Isaias, na nagsasabi: 'Sa pakikinig kayo'y makakarinig, ngunit kailanma'y hindi makakaunawa, at sa pagtingin kayo'y titingin, ngunit kailanma'y hindi makakabatid. Sapagkat naging manhid na ang puso ng bayang ito, at mahirap nang makarinig ang kanilang mga tainga, at ipinikit nila ang kanilang mga mata; baka ang kanilang mga mata'y makakita, at makarinig ang kanilang mga tainga, at makaunawa ang puso nila, at manumbalik sa akin, at sila'y aking pagalingin.' Ngunit mapapalad ang inyong mga mata, sapagkat ang mga ito'y nakakakita; at ang inyong mga tainga, sapagkat ang mga ito'y nakakarinig. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga taong matuwid ang naghangad na makita ang inyong nakikita, ngunit hindi nila nakita; at marinig ang inyong naririnig, ngunit hindi nila ito narinig. "Pakinggan ninyo ang talinghaga ng manghahasik. Kung ang sinuman ay nakikinig ng salita ng kaharian, at hindi niya ito inuunawa, darating ang masama at aagawin ang naihasik sa kanyang puso. Ito ang naihasik sa tabing daan. Ang napahasik sa mga batuhan ay iyong nakikinig ng salita, at agad niyang tinatanggap ito na may kagalakan. Gayunma'y hindi siya nagkaugat kundi sandali lamang tumatagal; at kapag dumating ang kapighatian o pag-uusig dahil sa salita ay kaagad siyang natitisod. Ang napahasik sa mga tinikan ay iyong nakikinig ng salita; ngunit ang kabalisahan ng sanlibutan at ang daya ng mga kayamanan ay sumasakal sa salita at iyon ay nagiging walangbunga. Ang napahasik naman sa mabuting lupa, ay iyong nakikinig ng salita at inuunawa ito, na siyang talagang namumunga. Ang isa ay isandaan, ang iba ay animnapu, at ang iba ay tatlumpu." Nagbigay siya sa kanila ng isa pang talinghaga, na sinasabi, "Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. Ngunit samantalang natutulog ang mga tao, dumating ang kaaway at naghasik ng mga damo sa triguhan, at umalis. Kaya't nang sumibol ang mga halaman at namunga ay lumitaw rin ang damo. At ang mga alipin ng puno ng sambahayan ay dumating at sinabi sa kanya, 'Panginoon, hindi ba't mabuting binhi ang inihasik mo sa iyong bukid? Saan kaya nanggaling ang mga damo?' Sinabi niya sa kanila, 'Isang kaaway ang gumawa nito.' At sinabi sa kanya ng mga alipin, 'Ibig mo bang kami'y pumaroon at tipunin ang mga iyon?' Ngunit sinabi niya, 'Huwag; baka sa pagtitipon ninyo ng mga damo ay inyong mabunot pati ang trigo. Hayaan ninyong magkasama silang tumubo hanggang sa anihan, at sa panahon ng pag-aani ay sasabihin ko sa mga manggagapas, Tipunin muna ninyo ang mga damo at pagbigkisin ninyo upang sunugin; ngunit tipunin ninyo ang trigo sa aking kamalig.'" Nagbigay siya sa kanila ng isa pang talinghaga, na sinasabi, 'Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang butil ng binhi ng mustasa na kinuha ng isang tao, at inihasik sa kanyang bukid. Iyon ang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi, ngunit nang tumubo ay siyang pinakamalaki sa mga halaman at nagiging punungkahoy, anupa't ang mga ibon sa himpapawid ay dumarating at nagpupugad sa kanyang mga sanga." Nagsalaysay siya sa kanila ng isa pang talinghaga: 'Ang kaharian ng langit ay tulad sa pampaalsa na kinuha ng isang babae, at inihalod sa tatlong takal na harina, hanggang sa ang lahat ay malagyan ng pampaalsa." Ang lahat ng mga bagay na ito'y sinabi ni Jesus sa maraming tao sa pamamagitan ng mga talinghaga, at wala siyang sinabi sa kanila na hindi sa pamamagitan ng talinghaga. Ito ay upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta, "Bubuksan ko ang aking bibig sa pagsasalita ng mga talinghaga; isasalaysay ko ang mga natatagong bagay mula pa nang itatag ang sanlibutan." Pagkatapos ay iniwan ni Jesus ang napakaraming tao at pumasok sa bahay. Lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad, na nagsasabi, "Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga ng mga damo sa bukid." Sumagot siya at sinabi, "Ang naghahasik ng mabuting binhi ay ang Anak ng Tao. Ang bukid ay ang sanlibutan. Ang mabuting binhi naman ay ang mga anak ng kaharian, subalit ang mga damo ay ang mga anak ng masama. Ang kaaway na naghasik ng mga ito ay ang diyablo. Ang anihan ay ang katapusan ng sanlibutan; at ang mga manggagapas ay ang mga anghel. Kaya't kung paanong tinitipon ang mga damo upang sunugin sa apoy, gayundin ang mangyayari sa katapusan ng sanlibutan. Susuguin ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel, at titipunin nila sa labas ng kanyang kaharian ang lahat ng mga sanhi ng pagkakasala at ang mga gumagawa ng kasamaan; at itatapon nila ang mga ito sa pugon ng apoy. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin. Kung magkagayo'y magliliwanag ang mga matuwid na tulad ng araw sa kaharian ng kanilang Ama. Ang mga may pandinig ay makinig! "Ang kaharian ng langit ay tulad sa nakatagong kayamanan sa isang bukid; na natagpuan ng isang tao, at tinabunan niya ito. Sa kanyang kagalakan ay umalis siya at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang bukid na iyon. "Gayundin naman, ang kaharian ng langit ay tulad ng isang mangangalakal na naghahanap ng magagandang perlas; at nang makatagpo ng isang mamahaling perlas ay umalis at ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili iyon. "Gayundin naman, ang kaharian ng langit ay tulad sa isang lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng iba't ibang uri ng isda. Nang ito ay mapuno, hinila nila ito sa pampang. Umupo sila at tinipon sa mga sisidlan ang mabubuti, ngunit itinapon ang masasama. Gayon ang mangyayari sa katapusan ng sanlibutan. Lalabas ang mga anghel at kanilang ihihiwalay ang masasama sa matutuwid, at itatapon sila sa pugon ng apoy. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin. "Naunawaan ba ninyo ang lahat ng mga bagay na ito?" Sinabi nila sa kanya, "Oo." At sinabi niya sa kanila, "Kaya't ang bawat eskriba na sinanay para sa kaharian ng langit ay tulad sa isang puno ng sambahayan na naglalabas mula sa kanyang kayamanan ng mga bagay na bago at luma." Nang matapos na ni Jesus ang mga talinghagang ito, iniwan niya ang pook na iyon. Dumating siya sa sarili niyang bayan at kanyang tinuruan sila sa kanilang sinagoga, anupa't sila'y namangha, at nagsabi, "Saan kumuha ang taong ito ng ganitong karunungan at ng ganitong mga gawang makapangyarihan?" Hindi ba ito ang anak ng karpintero? Hindi ba ang kanyang ina ay tinatawag na Maria? At ang kanyang mga kapatid ay sina Santiago, Jose, Simon, at Judas? Hindi ba't kasama natin ang lahat ng kanyang mga kapatid na babae? Saan kinuha ng taong ito ang lahat ng mga bagay na ito?" At natisod sila sa kanya. Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, "Ang isang propeta ay di nawawalan ng karangalan, maliban sa kanyang sariling bayan at sambahayan." At hindi siya gumawa roon ng maraming gawang makapangyarihan dahil sa kawalan nila ng pananampalataya. Nang panahong iyon ay narinig ng tetrarkang si Herodes ang balita tungkol kay Jesus. At sinabi niya sa kanyang mga lingkod, "Ito ay si Juan na Tagapagbautismo na muling binuhay sa mga patay; kaya't nagagawa niya ang mga kababalaghang ito." Sapagkat dinakip ni Herodes si Juan, iginapos niya ito at inilagay sa bilangguan dahil kay Herodias, na asawa ng kanyang kapatid na si Felipe. Sapagkat sinabi ni Juan sa kanya, "Hindi ipinahihintulot sa iyo na angkinin mo siya." Bagama't ibig niyang ipapatay si Juan, natakot siya sa mga tao sapagkat kanilang itinuturing si Juan na isang propeta. Ngunit nang dumating ang pagdiriwang ng kaarawan ni Herodes, sumayaw sa gitna nila ang anak na babae ni Herodias, at ito ay ikinatuwa ni Herodes. Kaya't siya'y nangako na may sumpa na kanyang ibibigay ang anumang hilingin nito. Sa udyok ng kanyang ina ay sinabi niya, "Ibigay mo sa akin dito sa isang pinggan ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo!" Nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang mga sumpa at sa mga panauhin, ipinag-utos niyang ibigay iyon. Nagsugo siya at pinapugutan niya ng ulo si Juan sa bilangguan. Dinala na nasa isang pinggan ang kanyang ulo at ibinigay sa dalaga, at dinala naman nito sa kanyang ina. Dumating ang mga alagad ni Juan, kinuha ang bangkay at inilibing ito. Pagkatapos, sila'y umalis at ibinalita kay Jesus. Nang marinig ito ni Jesus, umalis siya roon na sakay ng isang bangka tungo sa isang ilang na lugar na wala siyang kasama. Nang mabalitaan ito ng maraming tao, naglakad silang sumunod sa kanya mula sa mga bayan. Pagdating niya sa pampang, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila at pinagaling niya ang mga maysakit sa kanila. Nang nagtatakipsilim na, lumapit sa kanya ang mga alagad niya, na nagsasabi, "Ilang na lugar ito, at lumipas na ang maghapon. Papuntahin mo na ang mga tao sa mga nayon upang makabili sila ng kanilang makakain." Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, "Hindi na kailangang umalis pa sila; bigyan ninyo sila ng makakain." At sinabi nila sa kanya, "Mayroon lamang tayong limang tinapay at dalawang isda." Sinabi niya, "Dalhin ninyo rito sa akin." Ipinag-utos niya sa maraming tao na umupo sa damuhan. Pagkakuha niya sa limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit, binasbasan niya ang mga ito, pinagputul-putol at ibinigay ang mga tinapay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa maraming tao. Kumain silang lahat at nabusog. Kinuha nila ang mga lumabis na pinagputul-putol na tinapay, at napuno ang labindalawang kaing. At ang mga kumain ay may limang libong lalaki, bukod pa sa mga babae at sa mga bata. Pagkatapos ay pinasakay niya kaagad ang kanyang mga alagad sa bangka at pinauna niya sa kabilang ibayo, habang pinapauwi niya ang maraming tao. Pagkatapos niyang pauwiin ang maraming tao ay umakyat siyang mag-isa sa bundok upang manalangin. Pagsapit ng gabi, siya'y naroong nag-iisa. Ngunit ang bangka ng mga sandaling iyon ay malayong-malayo na sa dalampasigan na hinahampas ng mga alon, sapagkat pasalungat sa kanila ang hangin. Nang madaling-araw na ay lumapit siya sa kanila na lumalakad sa ibabaw ng dagat. At nang makita ng mga alagad na siya ay lumalakad sa ibabaw ng dagat, nasindak sila, na nagsasabi, 'Multo!' Nagsigawan sila sa takot. Ngunit nagsalita kaagad sa kanila si Jesus, na nagsasabi, "Lakasan ninyo ang inyong loob; ako ito. Huwag kayong matakot." Sumagot sa kanya si Pedro at nagsabi, "Panginoon, kung ikaw iyan, ipag-utos mo sa akin na lumapit sa iyo sa ibabaw ng tubig." Sinabi niya, "Halika." Kaya't bumaba si Pedro sa bangka at lumakad sa ibabaw ng tubig patungo kay Jesus. Ngunit nang mapansin niya ang hangin, natakot siya, at nang siya'y papalubog na ay sumigaw siya, "Panginoon, iligtas mo ako!" Inabot kaagad ni Jesus ang kamay niya at hinawakan siya, na sinasabi sa kanya, "O ikaw na maliit ang pananampalataya, bakit ka nag-alinlangan?" Nang makasakay na sila sa bangka, ay huminto na ang hangin. Sinamba siya ng mga nasa bangka, na nagsasabi, "Tunay na ikaw ang Anak ng Diyos:" Nang makatawid na sila, dumating sila sa lupain ng Genesaret. Nang makilala siya ng mga tao sa pook na iyon ay nagpakalat sila ng balita sa buong lupain at dinala sa kanya ang lahat ng mga maysakit. Nakiusap sila sa kanya na mahipo man lamang nila ang laylayan ng kanyang damit; at ang lahat ng humipo nito ay gumaling. Pagkatapos ay lumapit kay Jesus ang mga Fariseo at ang mga eskriba na nanggaling sa Jerusalem, at sinabi nila, "Bakit lumalabag ang iyong mga alagad sa tradisyon ng matatanda? Hindi sila naghuhugas ng kanilang mga kamay bago sila kumain ng tinapay." Sumagot siya sa kanila at sinabi, "Bakit lumalabag naman kayo sa utos ng Diyos dahil sa inyong tradisyon? Sapagkat sinabi ng Diyos, 'Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina;’ at Ang magsalita ng masama sa ama o sa ina, ay dapat mamatay' Ngunit sinasabi ninyo na sinumang magsabi sa kanyang ama o sa kanyang ina, Anumang pakikinabangin mo mula sa akin ay ipinagkaloob ko na sa Diyos.' Ang taong iyon ay hindi na kailangang gumalang pa sa kanyang ama. Kaya, pinawalang-saysay ninyo ang salitang ng Diyos dahil sa inyong tradisyon. Kayong mga mapagkunwari, tama ang ipinahayag ni Isaias tungkol sa inyo nang sabihin niya, 'Iginagalang ako ng bayang ito sa kanilang mga labi, ngunit ang kanilang puso ay malayo sa akin. At walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, na itinuturo nila bilang mga aral ang mga alituntunin ng mga tao.'" Pinalapit ni Jesus sa kanya ang mga tao at sinabi sa kanila, "Pakinggan ninyo ito at unawain. Hindi ang pumapasok sa bibig ang nagpaparumi sa tao, kundi ang lumalabas sa bibig ang nagpaparumi." pagkatapos ay dumating ang mga alagad at sinabi sa kanya, 'Alam mo bang nasaktan ang mga Fariseo nang marinig nila ang pananalitang ito?" Ngunit sumagot siya at sinabi, "Ang bawat halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa langit ay bubunutin. Hayaan ninyo sila; sila'y mga bulag na taga-akay. At kung ang bulag ay umakay sa bulag, kapwa sila mahuhulog sa hukay." Sumagot naman si Pedro at sinabi sa kanya, "Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga." At sinabi niya, "Pati ba naman kayo'y wala pa ring pang-unawa? Hindi pa ba ninyo nalalaman na ang anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan, at inilalabas sa daanan ng dumi? Ngunit ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay nagmumula sa puso at siyang nagpaparumi sa tao. Sapagkat nagmumula sa puso ang masasamang pag-iisip, pagpatay, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagsaksi sa kasinungalingan, at paglapastangan. Ito ang mga bagay na nagpaparumi sa tao; ngunit ang kumain nang hindi naghuhugas ng mga kamay ay hindi nagpaparumi sa tao." Umalis doon si Jesus at pumunta sa nasasakupan ng Tiro at Sidon. May isang babaing Cananea na mula sa lupaing iyon ang lumabas at nagsimulang sumigaw, "Mahabag ka sa akin, O Panginoon, Anak ni David; ang anak kong babae ay pinahihirapan ng isang demonyo." Ngunit hindi siya sumagot sa kanya kahit isang salita. Lumapit ang kanyang mga alagad at nakiusap sa kanya, na nagsasabi, "Paalisin mo siya, sapagkat nagsisisigaw siya at sumusunod sa hulihan natin." Ngunit sumagot siya at sinabi, "Ako'y hindi sinugo maliban sa mga nawawalang tupa ng sambahayan ni Israel." Ngunit lumapit siya at lumuhod sa kanya, na nagsasabi, "Panginoon, tulungan mo ako." Siya'y sumagot at sinabi, "Hindi mabuti na kunin ang tinapay ng mga anak at itapon ito sa mga aso." Ngunit sinabi niya, "Oo, Panginoon. Subalit maging ang mga aso ay kumakain ng mga mumo na nalalaglag mula sa hapag ng kanilang mga panginoon." Nang magkagayo'y sumagot si Jesus at sinabi sa kanya, "O babae, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari sa iyo ang sinasabi mo." At gumaling ang kanyang anak sa oras ding iyon. Umalis si Jesus doon at dumaan sa baybayin ng Dagat ng Galilea. Umakyat siya sa bundok at naupo roon. Lumapit sa kanya ang napakaraming tao na dala ang mga pilay, mga lumpo, mga bulag, mga pipi, at marami pang iba. Inilagay nila ang mga ito sa kanyang paanan at sila'y pinagaling niya. Kaya't namangha ang maraming tao nang makita nilang nagsasalita ang mga pipi, gumaling ang mga lumpo, lumalakad ang mga pilay, at nakakita ang mga bulag, at niluwalhati nila ang Diyos ng Israel. Pagkatapos ay tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad, at sinabi, "Nahahabag ako sa napakaraming taong ito, sapagkat tatlong araw na silang sumasama sa akin at wala silang makain; at hindi ko nais na paalisin silang gutom, baka himatayin sila sa daan." At sinabi sa kanya ng mga alagad, "Saan tayo kukuha sa ilang na lugar ng sapat na tinapay upang mapakain ang ganito karaming tao?" Sinabi ni Jesus sa kanila, "Ilang tinapay mayroon kayo?" Sinabi nila, "Pito, at ilang maliliit na isda." Iniutos niya sa mga tao na umupo sa lupa. Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda; nang siya'y makapagpasalamat, pinagputul-putol niya ito at ibinigay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa mga tao. Kumain silang lahat at nabusog. Kinuha nila ang natira sa mga pinagputul-putol at napuno pa ang pitong kaing. Ang mga kumain ay apat na libong lalaki, bukod pa sa mga babae at sa mga bata. Pinaalis na niya ang maraming mga tao. Sumakay siya sa isang bangka at nagtungo sa nasasakupan ng Magdala. Dumating ang mga Fariseo at ang mga Saduceo, at upang subukin siya, hiniling nila sa kanya na magpakita sa kanila ng isang tanda mula sa langit. Ngunit sumagot siya at sinabi sa kanila, “[Sa dapit-hapon ay sinasabi ninyo, ‘Magiging maganda ang panahon, sapagkat mapula ang langit.' At sa umaga, 'Magiging maunos ngayon, sapagkat mapula ang langit at nagbabanta.' Marunong kayong kumilala ng anyo ng langit; ngunit hindi ninyo makilala ang mga tanda ng mga panahon.] Ang isang lahing masama at mapangalunya ay humahanap ng tanda, ngunit hindi ito bibigyan ng tanda, maliban sa tanda ni Jonas." Kanyang iniwan sila at siya ay umalis. Nang makarating ang mga alagad sa kabilang ibayo, nakalimutan nilang magdala ng tinapay. Sinabi ni Jesus sa kanila, "Mag-ingat kayo at iwasan ninyo ang lebadura ng mga Fariseo at ng mga Saduceo." Nag-usap sila sa isa't isa na nagsasabi, "Hindi kasi tayo nagdala ng tinapay." Ngunit alam ito ni Jesus kaya't sinabi niya, "O kayong maliliit ang pananampalataya, bakit kayo'y nagtatalo na wala kayong tinapay? Hindi pa ba ninyo nauunawaan o natatandaan ang limang tinapay para sa limang libo at kung ilang kaing ang inyong natipon? O iyong pitong tinapay para sa apat na libo at kung ilang kaing ang inyong natipon? Paanong hindi ninyo naunawaan na ang sinabi ko ay hindi tungkol sa tinapay? Ngunit mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo at mga Saduceo!" Kaya't naunawaan nila na ang sinabi ni Jesus ay hindi sa pampaalsa ng tinapay mag-ingat kundi sa mga aral ng mga Fariseo at Saduceo. Nang dumating si Jesus sa nasasakupan ng Cesarea Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, na sinasabi, "Ano ba ang sinasabi ng mga tao kung sino ang Anak ng Tao?" At sinabi nila, "Ang sabi ng iba ay si Juan na Tagapagbautismo, ang iba ay si Elias; at ang iba ay si Jeremias, o isa sa mga propeta." Sinabi niya sa kanila, "Ngunit ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?" Sumagot si Simon Pedro at sinabi, "Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay." Sumagot si Jesus at sinabi sa kanya, "Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat hindi laman at dugo ang nagpahayag nito sa iyo kundi ang aking Ama na nasa langit. At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magwawagi laban sa kanya. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit, at anumang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anumang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit." Pagkatapos ay mahigpit niyang ipinagbilin sa mga alagad na huwag sasabihin kaninuman na siya ang Cristo. Mula ng panahong iyon ay pinasimulan ni Jesus na ipaliwanag sa kanyang mga alagad na kailangang pumunta siya sa Jerusalem at magtiis ng maraming bagay sa kamay ng matatanda, ng mga punong pari at mga eskriba. Siya'y papatayin at muling bubuhayin sa ikatlong araw. At inilayo siya ni Pedro at sinimulang pigilan siya, na sinasabi, "Huwag nawang itulot ng Diyos, Panginoon! Hindi kailanman mangyayari ito sa iyo." Ngunit lumingon siya at sinabi kay Pedro, "Layuan mo ako, Satanas! Ikaw ay isang katitisuran sa akin; sapagkat hindi mo iniisip ang mga bagay ng Diyos, kundi ang mga bagay ng tao." Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili, at pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. Sapagkat ang sinumang nagnanais magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay makakatagpo nito. Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao, kung makamtan niya ang buong sanlibutan ngunit mawawala naman ang kanyang buhay? O ano ang ibibigay ng tao na katumbas ng kanyang buhay? Sapagkat darating ang Anak ng Tao na kasama ang kanyang mga anghel sa kaluwalhatian ng kanyang Ama; at kanyang gagantihan ang bawat tao ayon sa kanyang mga gawa. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito, na hindi makakatikim ng kamatayan, hanggang makita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa kanyang kaharian." Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at si Juan na kanyang kapatid, at sila'y dinalang bukod sa isang mataas na bundok. Nagbagong-anyo siya sa harap nila at nagliwanag ang kanyang mukha na tulad ng araw, at pumuti ang kanyang mga damit na tulad sa ilaw. At nagpakita sa kanila sina Moises at Elias na nakikipag-usap sa kanya. Sinabi ni Pedro kay Jesus, "Panginoon, mabuti na tayo ay naririto. Kung ibig mo, ay gagawa ako rito ng tatlong tolda, isa sa iyo, isa kay Moises, at isa kay Elias." Samantalang nagsasalita pa siya, biglang naliliman sila ng isang maliwanag na ulap, at may isang tinig mula sa ulap na nagsasabi, "Ito ang minamahal kong Anak; sa kanya ako'y lubos na nalulugod. Makinig kayo sa kanya." Nang marinig ito ng mga alagad, napasubsob sila at sinidlan ng malaking takot. Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinawakan na nagsasabi, "Bumangon kayo at huwag kayong matakot." Nang tumingin sila sa itaas, wala silang nakitang sinuman, maliban kay Jesus. Nang pababa na sila sa bundok, iniutos ni Jesus sa kanila na nagsasabi, "Huwag ninyong sasabihin kanino man ang pangitain, hanggang ang Anak ng Tao ay muling buhayin mula sa mga patay." Tinanong siya ng kanyang mga alagad, na nagsasabi, "Bakit kaya sinasabi ng mga eskriba na kailangang dumating muna si Elias?" Sumagot siya, at sinabi, "Totoong darating si Elias at ibabalik ang lahat ng mga bagay. Ngunit sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias, at siya'y hindi nila kinilala kundi ginawa nila sa kanya ang anumang kanilang naibigan. Gayundin naman ang Anak ng Tao ay malapit nang magdusa sa kanila." Naunawaan nga ng mga alagad na si Juan na Tagapagbautismo ang sinasabi niya sa kanila. Nang dumating sila sa napakaraming tao, lumapit sa kanya ang isang tao, lumuhod sa harapan niya, at nagsabi, "Panginoon, mahabag ka sa aking anak na lalaki, sapagkat siya'y may epilepsiya at lubhang nahihirapan; sapagkat madalas siyang bumabagsak sa apoy at sa tubig. Dinala ko siya sa iyong mga alagad, ngunit siya'y hindi nila mapagaling. Sumagot si Jesus at sinabi, "O lahing walang pananampalataya at napakasama, hanggang kailan ko pa kayo makakasama? Gaano katagal akong magtitiis sa inyo? Dalhin ninyo siya rito." Sinaway ni Jesus ang demonyo at lumabas ito sa bata. Gumaling ang bata nang oras ding iyon. Pagkatapos ay lumapit nang sarilinan ang mga alagad kay Jesus at sinabi nila, "Bakit hindi namin iyon napalayas?" Sinabi niya sa kanila, "Dahil maliit ang inyong pananampalataya. Sapagkat katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung mayroon kayong pananampalataya na kasinglaki ng butil ng binhi ng mustasa, sasabihin ninyo sa bundok na ito, 'Lumipat ka roon mula rito,' at ito'y lilipat; at sa inyo ay walang hindi maaaring mangyari. [Ngunit ang ganito'y hindi lumalabas kundi sa pamamagitan ng panalangin at ayuno.]" Habang sila'y nagkakatipon sa Galilea, sinabi ni Jesus sa kanila: "Ang Anak ng Tao ay malapit nang ipagkanulo sa kamay ng mga tao. Siya'y papatayin nila ngunit siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw." At sila'y labis na nalungkot. Pagdating nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis na kalahating siklo, at sinabi nila, "Hindi ba nagbabayad ng buwis sa templo ang inyong guro?" Sinabi niya, "Oo, nagbabayad siya." At nang dumating siya sa bahay, inunahan na siya ni Jesus tungkol dito, na sinasabi, "Ano sa palagay mo, Simon? Kanino naniningil ng bayad o buwis ang mga hari sa lupa? Sa kanila bang mga anak o sa ibang tao?" Kaya't nang sabihin niya, "Sa ibang tao," ay sinabi sa kanya ni Jesus, "Kung gayo'y hindi na pinagbabayad ang mga anak. Ngunit upang hindi sila matisod sa atin, pumunta ka sa dagat at maghulog ka ng bingwit. Kunin mo ang unang isdang mahuhuli at kapag ibinuka mo ang kanyang bibig, matatagpuan mo ang isang siklo. Kunin mo iyon at ibigay mo sa kanila, para sa akin at sa iyo." Nang oras na iyon lumapit ang mga alagad kay Jesus, na nagsasabi, "Sino ang pinakadakila sa kaharian ng langit?" Tinawag niya ang isang maliit na bata at inilagay sa gitna nila. Sinabi niya, "Katotohanang sinasabi ko sa inyo, malibang kayo'y magbago at maging tulad sa mga bata, kailanma'y hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit. Sinumang magpakumbaba nang tulad sa batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit. At sinumang tumanggap sa isang batang ganito sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin. "Ngunit sinumang maglagay ng batong katitisuran sa isa sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin, ay mas mabuti pa sa kanya na bitinan ang kanyang leeg ng isang malaking batong gilingan, at siya'y malunod sa kalaliman ng dagat. Kahabag-habag ang sanlibutan dahil sa mga batong katitisuran! Ang mga pangyayaring magbubunga ng pagkatisod ay tiyak na darating. Ngunit kahabag-habag ang taong pagmumulan ng batong katitisuran! "Kaya't kung ang kamay mo o ang paa mo ay nakapagpapatisod sa iyo, putulin mo ito at itapon. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na may kapansanan o lumpo kaysa may dalawang kamay o dalawang paa na maitapon sa apoy na walang katapusan. At kung ang mata mo ay nakapagpapatisod sa iyo, dukitin mo ito at itapon. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na iisa ang mata, kaysa dalawang mata na maitapon sa impiyerno ng apoy. "Pag-ingatan ninyong huwag hamakin ang isa man sa maliliit na ito, sapagkat sinasabi ko sa inyo, ang kanilang mga anghel sa langit ay patuloy na nakikita ang mukha ng aking Ama na nasa langit. [Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito upang iligtas ang nawala.] Ano sa palagay ninyo? Kung ang isang tao ay may sandaang tupa, at isa sa kanila ay naligaw. Hindi ba niya iiwan ang siyamnapu't siyam sa kabundukan, at hahayo upang hanapin ang naligaw? At kung matagpuan niya ito ay katotohanang sinasabi ko sa inyo, magagalak siya rito nang higit kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. Kaya't hindi kalooban ng inyong Ama na nasa langit na ang isa sa maliliit na ito ay mapahamak. "Kung magkasala laban sa iyo ang iyong kapatid, pumaroon ka at sabihin mo sa kanya ang kanyang pagkakamali kapag kayong dalawa lamang. Kung pakinggan ka niya, ay napanumbalik mo ang iyong kapatid. Ngunit kung hindi siya makinig ay magsama ka pa ng isa o dalawa, upang sa bibig ng dalawa o tatlong saksi ay mapagtibay ang bawat salita. Kung ayaw niyang pakinggan sila, ay sabihin mo sa iglesya; at kung ayaw niyang pakinggan maging ang iglesya, ay ituring mo siya bilang isang Hentil at maniningil ng buwis. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na anumang inyong talian sa lupa ay yaong tatalian sa langit; at anumang inyong kalagan sa lupa ay yaong kakalagan sa langit. Sinasabi ko rin naman sa inyo, na kapag nagkasundo ang dalawa sa inyo sa lupa tungkol sa anumang bagay na kanilang hinihiling ay gagawin para sa kanila ng aking Ama na nasa langit. Sapagkat kung saan nagkakatipon ang dalawa o tatlo sa aking pangalan, ay naroroon ako sa gitna nila." Pagkatapos ay lumapit si Pedro at sinabi sa kanya, "Panginoon, makailang ulit magkakasala ang aking kapatid laban sa akin at siya'y aking patatawarin? Hanggang sa makapito ba?" Sinabi ni Jesus sa kanya, "Hindi ko sinasabi sa iyo, hanggang sa makapito, kundi, hanggang sa makapitumpung pito. "Kaya't ang kaharian ng langit ay maihahambing sa isang hari, na nagnais na makipag-ayos sa kanyang mga alipin tungkol sa kanilang mga utang. Nang pasimulan na niya ang pagkukuwenta, iniharap sa kanya ang isang nagkakautang sa kanya ng sampung libong talento. Palibhasa'y wala siyang maibayad, ipinag-utos ng panginoon niya na siya'y ipagbili, pati ang kanyang asawa at mga anak, at ang lahat ng kanyang ari-arian upang sila'y makabayad. Dahil dito'y nanikluhod ang alipin, na nagsasabi, 'Panginoon, pagpasensyahan mo ako, at babayaran kong lahat sa iyo.' Dahil sa habag ng panginoon sa aliping iyon, siya ay pinalaya at pinatawad sa kanyang utang. Ngunit ang alipin ding iyon, sa kanyang paglabas, ay natagpuan ang isa sa mga kapwa niya alipin na nagkautang sa kanya ng isandaang denario. Sinunggaban niya ito, sinakal, at sinabihan, 'Bayaran mo ang utang mo.' Kaya't nanikluhod ang kanyang kapwa alipin at nakiusap sa kanya, na nagsasabi, 'Pagpasensyahan mo ako, at babayaran kita.' Ngunit ayaw niya. Siya'y umalis at ipinabilanggo ang kapwa alipin hanggang sa mabayaran nito ang utang. Nang makita ng mga kapwa alipin ang nangyari, sila ay labis na nabahala. Umalis sila at isinumbong sa kanilang panginoon ang lahat ng nangyari. Kaya't ipinatawag siya ng kanyang panginoon, at sinabi sa kanya, 'Ikaw na masamang alipin! Ipinatawad ko sa iyo ang lahat ng utang na iyon, sapagkat nakiusap ka sa akin. Hindi ba dapat kang nahabag sa iyong kapwa alipin, kung paanong nahabag ako sa iyo?' At sa galit ng kanyang panginoon, ibinigay siya sa mga tagapagparusa hanggang sa magbayad siya sa lahat ng kanyang utang. Gayundin naman ang gagawin sa bawat isa sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung hindi ninyo taos-pusong patatawarin ang inyong kapatid." Nang matapos ni Jesus ang mga pananalitang ito, umalis siya sa Galilea at nagtungo sa mga nasasakupan ng Judea sa dakong ibayo ng Jordan. Sumunod sa kanya ang napakaraming tao at sila'y pinagaling niya roon. Lumapit sa kanya ang mga Fariseo at upang siya'y masubok ay kanilang itinanong, "Sang-ayon ba sa batas na hiwalayan ng isang tao ang kanyang asawa sa anumang kadahilanan?" Ngunit siya'y sumagot at sinabi, "Hindi ba ninyo nabasa na ang lumikha sa kanila buhat sa pasimula ay nilikha silang lalaki at babae, at kanyang sinabi, 'Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina at makikisama sa kanyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman?' Kaya, hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Ang pinagsama nga ng Diyos, ay huwag papaghiwalayin ng tao." Sinabi nila sa kanya, 'Kung gayon, bakit ipinag-utos ni Moises sa amin na magbigay ng kasulatan ng paghihiwalay at hiwalayan ang babae?' Sinabi niya sa kanila, "Dahil sa katigasan ng inyong puso ay ipinahintulot sa inyo ni Moises na inyong hiwalayan ang inyong mga asawang babae; ngunit buhat sa pasimula ay hindi gayon. At sinasabi ko sa inyo: sinumang ihiwalay ang kanyang asawang babae, maliban sa pakikiapid ang dahilan, at mag-asawa ng iba, ay nagkakasala ng pangangalunya. At ang mag-asawa sa babaing inihiwalay ay nagkakasala ng pangangalunya." Sinabi ng mga alagad sa kanya, "Kung gayon ang kalagayan ng lalaki sa kanyang asawa, mas mabuti pang huwag mag-asawa." Ngunit sinabi niya sa kanila, "Hindi matatanggap ng lahat ang pananalitang ito, kundi iyon lamang pinagkalooban nito. Sapagkat may mga eunuko na ipinanganak na gayon mula sa sinapupunan ng kanilang mga ina; at may mga eunuko na ginawang eunuko ng mga tao; at may mga eunuko na ginawang eunuko ang kanilang mga sarili alang-alang sa kaharian ng langit. Ang makakatanggap nito, ay hayaang tumanggap." Pagkatapos ay dinala sa kanya ang maliliit na bata, upang ipatong niya ang kanyang mga kamay sa kanila at ipanalangin. Ngunit sinaway ng mga alagad ang mga tao. Ngunit sinabi ni Jesus, "Hayaan ninyo ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang pagbawalang lumapit sa akin, sapagkat sa mga tulad nila nauukol ang kaharian ng langit." Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa kanila, at umalis doon. May isang lumapit sa kanya at nagsabi, "Guro, anong mabuting bagay ang dapat kong gawin upang magkaroon ako ng buhay na walang hanggan?" At sinabi niya sa kanya, "Bakit mo ako tinatanong tungkol sa mabuti? lisa ang mabuti. Ngunit kung ibig mong pumasok sa buhay, tuparin mo ang mga utos." Sinabi niya sa kanya, "Alin sa mga iyon?" At sinabi ni Jesus, "Huwag kang papatay; Huwag kang mangangalunya; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang sasaksi para sa kasinungalingan; Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili." Sinabi sa kanya ng kabataang lalaki, "Sinunod ko na ang lahat ng mga ito ano pa ang kulang sa akin?" Sinabi sa kanya ni Jesus, "Kung ibig mong maging ganap, humayo ka, ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ibigay mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit; pagkatapos ay pumarito ka, at sumunod ka sa akin." Ngunit nang marinig ng binata ang ganitong salita, umalis siyang nalulungkot, sapagkat napakarami niyang ari-arian. At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Katotohanang sinasabi ko sa inyo, 'Mahirap para sa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng langit. Muling sinasabi ko sa inyo, mas madali pa sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom, kaysa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng Diyos." Nang marinig ito ng mga alagad, sila'y lubhang nagtaka at nagsabi, "Kung gayon, sino kaya ang maliligtas?" Ngunit tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, "Sa mga tao, ito ay hindi maaaring mangyari, ngunit sa Diyos, ang lahat ng mga bagay ay maaaring mangyari." Pagkatapos ay sumagot si Pedro at sinabi sa kanya, "Narito, iniwan namin ang lahat at sumunod sa iyo. Ano naman ang makakamit namin?" Sinabi ni Jesus sa kanila, "Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na sa pagbabago ng lahat ng mga bagay, kapag uupo na ang Anak ng Tao sa kanyang maluwalhating trono, kayong mga sumunod sa akin ay uupo rin sa labindalawang trono na naghuhukom sa labindalawang lipi ng Israel. At ang sinumang nag-iwan ng mga bahay, o mga kapatid na lalaki, o mga kapatid na babae, o ama, o ina, o mga anak, o mga lupa, alang-alang sa aking pangalan, ay tatanggap ng makasandaang ulit at magmamana ng buhay na walang hanggan. Ngunit maraming mga una na mahuhuli, at mga huli na mauuna. "Sapagkat ang kaharian ng langit ay tulad sa isang tao na pinuno ng sambahayan, na maagang lumabas sa umaga upang umupa ng mga manggagawa para sa kanyang ubasan. Matapos makipagkasundo sa mga manggagawa ng isang denario sa isang araw ay kanyang isinugo sila sa kanyang ubasan. At paglabas niya nang ikatlong oras, nakita niya ang iba sa pamilihan na nakatayong walang ginagawa. at sinabi niya sa kanila, 'Pumunta rin kayo sa ubasan, at anumang nararapat ay ibibigay ko sa inyo.' At pumunta sila. Paglabas niyang muli nang malapit na ang ikaanim na oras at ikasiyam, gayundin ang ginawa niya. At nang malapit na ang ikalabing-isang oras,; lumabas siya at nakakita siya ng iba na nakatayo; at sinabi niya sa kanila, 'Bakit nakatayo kayo rito sa buong maghapon na walang ginagawa?' Sinabi nila sa kanya, 'Sapagkat walang umuupa sa amin.' Sinabi niya sa kanila, 'Pumunta rin kayo sa ubasan.' Nang magdadapit-hapon na, sinabi ng panginoon ng ubasan sa kanyang katiwala, 'Tawagin mo ang mga manggagawa, at bayaran mo sila ng mga upa mula sa mga nahuli hanggang sa mga nauna.' Nang lumapit ang mga inupahan nang ikalabing-isang oras, tumanggap ang bawat isa sa kanila ng isang denario. At nang lumapit ang mga nauna, ang akala nila'y tatanggap sila ng mas malaking halaga; ngunit tumanggap din ang bawat isa sa kanila ng isang denario. At nang tanggapin nila ito ay nagreklamo sila sa pinuno ng sambahayan, na nagsasabi, 'Isang oras lamang nagtrabaho ang mga huling ito, at ipinantay mo sila sa amin na nagtiis ng hirap at nakakapasong init sa maghapon.' Ngunit sumagot siya at sinabi sa isa sa kanila, 'Kaibigan, hindi kita dinadaya; hindi ba't nakipagkasundo ka sa akin sa isang denario? Kunin mo ang para sa iyo at umalis ka na. Nais kong ibigay sa huling nagtrabaho ang kagaya ng ibinigay ko sa iyo. Ako ba ay hindi pinahihintulutang gumawa ng nais ko sa mga bagay na pag-aari ko? O naiinggit ka ba sapagkat ako'y mabuti?' Kaya't ang huli ay mauuna, at ang una ay mahuhuli." Habang umaahon si Jesus patungo sa Jerusalem, ibinukod niya ang labindalawang alagad, at sa daan ay sinabi niya sa kanila, "Narito, umaahon tayo patungong Jerusalem. Ibibigay ang Anak ng Tao sa mga punong pari at sa mga eskriba; at kanilang hahatulan siya ng kamatayan. At kanilang ibibigay siya sa mga Hentil upang kutyain, hagupitin at ipako sa krus; at siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw." Pagkatapos ay lumapit kay Jesus ang ina ng mga anak ni Zebedeo, na kasama ang kanyang mga anak na lalaki. Siya'y lumuhod sa kanya at may hiniling na isang bagay sa kanya. At sinabi niya sa kanya, "Ano ang ibig mo?" Sinabi niya sa kanya, "Ipag-utos mo na itong dalawa kong anak ay umupo, ang isa sa iyong kanan, at ang isa sa iyong kaliwa, sa iyong kaharian." Ngunit sumagot si Jesus at sinabi, "Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Kaya ba ninyong inuman ang kopa na malapit ko nang inuman? Sinabi nila sa kanya, "Kaya namin." Sinabi niya sa kanila, "Talagang iinuman ninyo ang aking kopa, ngunit ang maupo sa aking kanan at sa aking kaliwa ay hindi ako ang magkakaloob, kundi iyon ay para sa kanila na pinaglalaanan ng aking Ama." Nang marinig ito ng sampu ay nagalit sila sa dalawang magkapatid. Ngunit tinawag sila ni Jesus at sinabi sa kanila, "Alam ninyo na ang mga pinuno ng mga Hentil ay nangingibabaw na panginoon sa kanila, at ang mga dakila sa kanila ay gumagamit ng kapangyarihan sa kanila. Hindi maaaring magkagayon sa inyo, kundi ang sinuman sa inyo na nagnanais maging dakila ay kailangang maging lingkod ninyo; at sinuman sa inyo na nagnanais na maging una ay kailangang maging alipin ninyo, kung paanong ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod, at upang ibigay ang kanyang buhay na pantubos sa marami." Nang sila'y papalabas na sa Jerico, sumunod sa kanya ang napakaraming tao. May dalawang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng lansangan. Nang marinig nilang nagdaraan si Jesus, sila'y sumigaw na nagsasabi, "Mahabag ka sa amin, Anak ni David!" Ngunit sinaway sila ng maraming tao upang sila'y tumahimik, ngunit lalo silang nagsisigaw na nagsasabi, "Mahabag ka sa amin Panginoon, Anak ni David!" Tumigil si Jesus, at sila'y tinawag, at sinabi, "Anong nais ninyong gawin ko sa inyo?" Sinabi nila sa kanya, "Panginoon, mabuksan nawa ang mga mata namin." Dahil sa habag ay hinipo ni Jesus ang kanilang mga mata. Kaagad, nakakita silang muli at sila'y sumunod sa kanya. Nang papalapit na sila sa Jerusalem at makarating sa Betfage, sa bundok ng mga Olibo, nagsugo si Jesus ng dalawang alagad, na sinasabi sa kanila, "Pumunta kayo sa kasunod na nayon, at kaagad ninyong matatagpuan ang isang babaing asno na nakatali na may kasamang isang batang asno. Kalagan ninyo sila at dalhin ninyo sa akin. Kung ang sinuman ay magsabi ng anuman sa inyo, ay sasabihin ninyo, 'Kailangan sila ng Panginoon,' at kaagad niyang ipapadala sila." Nangyari ito upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta, na nagsasabi, "Sabihin ninyo sa anak na babae ng Zion, Tingnan mo, ang iyong Hari ay dumarating sa iyo, mapagkumbaba, at nakasakay sa isang asno, at sa isang batang asno na anak ng babaing asno." Pumunta nga ang mga alagad at ginawa ang ayon sa ipinag-utos ni Jesus sa kanila. Dinala nila ang asno at ang batang asno at inilagay nila sa ibabaw ng mga ito ang kanilang mga balabal; at inupuan niya ang mga ito. Ang nakararami sa mga tao ay naglatag ng kanilang mga balabal sa daan, at ang iba'y pumutol ng mga sanga ng mga punungkahoy at inilatag ang mga ito sa daan. At ang mga napakaraming taong nasa unahan niya at ang mga sumusunod sa kanya ay nagsisigawan, na nagsasabi, "Hosanasa Anak ni David! Mapalad ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Hosana sa kataas-taasan!" Nang pumasok siya sa Jerusalem, ang buong lunsod ay nagkagulo na nagsasabi, "Sino ba ito?" At sinabi ng maraming tao, "Ito ang propetang si Jesus, na taga-Nazaret ng Galilea." Pumasok si Jesus sa templo, at itinaboy niya ang lahat ng nagtitinda at namimili sa templo, at ibinaligtad niya ang mga mesa ng mga mamamalit ng salapi, at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati. Sinabi niya sa kanila, "Nasusulat, Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan,' ngunit ginagawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw." Ang mga bulag at mga pilay ay lumapit sa kanya sa templo at sila'y kanyang pinagaling. Ngunit nang makita ng mga punong pari at mga eskriba ang mga kahanga-hangang bagay na kanyang ginawa, at ang mga batang sumisigaw sa templo at nagsasabi, "Hosana sa Anak ni David," ay nagalit sila. Kaya't sinabi nila sa kanya, "Naririnig mo ba ang sinasabi ng mga ito?" At sinabi sa kanila ni Jesus, "Oo. Hindi ba ninyo kailanman nabasa, 'Mula sa bibig ng mga sanggol at ng mga sumususo ay naghanda ka ng papuri para sa iyong sarili?" Sila'y kanyang iniwan, at lumabas sa lunsod patungong Betania, at doon siya nagpalipas ng gabi. Kinaumagahan, nang bumalik na siya sa lunsod ay nagutom siya. Nang makakita siya ng isang puno ng igos sa tabi ng daan, ito ay kanyang nilapitan at walang natagpuang anuman doon, maliban sa mga dahon lamang. Sinabi niya rito, "Kailanma'y hindi ka na muling magkakaroon ng bunga!" At natuyo kaagad ang puno ng igos. Nang makita ito ng mga alagad ay nagtaka sila, na nagsasabi, "Paanong natuyo kaagad ang puno ng igos?" Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, "Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung kayo'y may pananampalataya at hindi nag-aalinlangan, hindi lamang ninyo magagawa ang nagawa sa puno ng igos, kundi kahit sabihin ninyo sa bundok na ito, 'Maalis ka at mapatapon sa dagat,' ito ay mangyayari. At anumang bagay na inyong hingin sa panalangin na may pananampalataya ay inyong tatanggapin." Pagpasok niya sa templo, lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang matatanda ng bayan habang siya'y nagtuturo, at sinabi nila, "Sa anong awtoridad mo ginagawa ang mga bagay na ito, at sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na ito?" Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, "Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong, at kung sasabihin ninyo sa akin ang sagot ay sasabihin ko naman sa inyo kung sa anong awtoridad ginagawa ko ang mga bagay na ito. Ang bautismo ni Juan, saan ba ito nagmula? Mula ba sa langit o mula sa mga tao?" At nagtalo sila sa isa't isa na nagsasabi, "Kung sasabihin natin, 'Mula sa langit,' sasabihin niya sa atin, 'Bakit nga hindi ninyo siya pinaniwalaan?' Ngunit kung sasabihin natin, 'Mula sa mga tao,' natatakot tayo sa napakaraming tao, sapagkat kinikilala ng lahat na propeta si Juan." Kaya't sumagot sila kay Jesus, at sinabi, "Hindi namin alam." Sinabi naman niya sa kanila, "Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong awtoridad ginagawa ko ang mga bagay na ito. "Ano sa palagay ninyo? May isang taong dalawa ang anak. Lumapit siya sa una, at sinabi, Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at magtrabaho.' Ngunit sumagot siya at sinabi, 'Ayaw ko'; ngunit pagkatapos ay nagbago ang kanyang isip at pumunta rin. Lumapit ang ama sa ikalawa, at gayundin ang sinabi. Sumagot siya at sinabi, 'Pupunta po ako,' ngunit hindi pumunta. Alin sa dalawa ang gumanap ng kalooban ng kanyang ama?" Sinabi nila, "Ang una." Sinabi ni Jesus sa kanila, "Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang mga maniningil ng buwis at ang mga masamang babae ay nauuna sa inyo sa pagpasok sa kaharian ng Diyos. Sapagkat dumating sa inyo si Juan sa daan ng katuwiran, at hindi ninyo siya pinaniwalaan; ngunit pinaniwalaan siya ng mga maniningil ng buwis at ng masasamang babae, at kahit nakita ninyo ay hindi rin kayo nagsisi at naniwala sa kanya. "Pakinggan ninyo ang isa pang talinghaga: May isang tao na pinuno ng sambahayan, na nagtanim ng isang ubasan, at binakuran niya ang palibot nito. Humukay siya roon ng isang pisaan ng ubas at nagtayo ng isang toreng bantayan. Ipinagkatiwala niya iyon sa mga magsasaka at nagtungo siya sa ibang lupain. Nang malapit na ang panahon ng pamumunga, sinugo niya ang kanyang mga alipin sa mga magsasaka upang kunin ang mga bunga nito. Ngunit kinuha ng mga magsasaka ang kanyang mga alipin at binugbog nila ang isa, pinatay ang iba, at pinagbabato ang isa pa. Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin na mas marami pa sa nauna; at gayundin ang ginawa nila sa kanila. Sa kahuli-huliha'y sinugo niya sa kanila ang kanyang anak na lalaki, na nagsasabi, 'Igagalang nila ang aking anak.' Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, sinabi nila sa kanilang sarili, 'Ito ang tagapagmana; halikayo, patayin natin siya at kunin natin ang kanyang mana.' Kaya't kanilang kinuha siya, itinapon sa labas ng ubasan, at pinatay. Kaya't pagdating ng panginoon ng ubasan, ano kaya ang gagawin niya sa mga magsasakang iyon?" Sinabi nila sa kanya, "Dadalhin niya ang mga masasamang taong iyon sa kakilakilabot na kamatayan at ang ubasan ay ipagkakatiwala niya sa ibang mga magsasaka na magbibigay sa kanya ng mga bunga sa kanilang kapanahunan." Sinabi ni Jesus sa kanila, "Hindi ba ninyo kailanman nabasa sa mga kasulatan, 'Ang batong itinakuwil ng mga tagapagtayo ang siyang naging ulo ng panulukan; ito ay mula sa Panginoon, at ito'y kamanghamangha sa ating mga mata?' Kaya sinasabi ko sa inyo, 'Kukunin sa inyo ang kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bansang nagbibigay ng bunga nito.' [Ang mahulog sa ibabaw ng batong ito ay madudurog, subalit dudurugin nito ang sinumang mabagsakan niya.]" Nang marinig ng mga punong pari at ng mga Fariseo ang kanyang mga talinghaga, nahalata nilang siya'y nagsasalita tungkol sa kanila. Ngunit nang naisin nilang dakpin si Jesus, ay natakot sila sa napakaraming tao, sapagkat itinuring nila na siya'y isang propeta. Si Jesus ay muling nagsalita sa kanila sa mga talinghaga, na sinasabi, "Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang hari na nagdaos ng isang handaan para sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Sinugo niya ang kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa handaan ng kasalan; ngunit ayaw nilang dumalo. Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin, na sinasabi, 'Sabihin ninyo sa mga inanyayahan: Narito, naihanda ko na ang aking handaan; pinatay na ang aking mga baka at matatabang hayop at handa na ang lahat. Halina kayo sa handaan ng kasalan.' Ngunit hindi nila ito pinansin, at sila'y humayo, ang isa'y sa kanyang sariling bukid, ang isa'y sa kanyang pangangalakal. Hinuli naman ng iba ang kanyang mga alipin at ginawan ng masama at pinagpapatay. Kaya't nagalit ang hari. Sinugo niya ang kanyang mga hukbo, pinuksa ang mga mamamatay-taong iyon, at sinunog ang kanilang lunsod. Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang mga alipin, 'Handa na ang kasalan, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Kaya pumunta kayo sa mga pangunahing lansangan at anyayahan ninyo sa handaan ng kasalan ang sinumang makita ninyo.' Lumabas ang mga aliping iyon sa mga lansangan, at tinipon nila ang bawat matagpuan nila, masama man o mabuti; kaya't napuno ng mga panauhin ang kasalan. "Ngunit nang pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, may nakita siya roong isang tao na hindi nakadamit pangkasal. Sinabi niya sa kanya,'Kaibigan, paano ka nakapasok dito na hindi nakadamit pangkasal?' Ngunit hindi siya nakapagsalita. Kaya't sinabi ng hari sa mga lingkod, 'Gapusin ninyo ang mga paa at mga kamay niya, at itapon ninyo siya sa kadiliman sa labas. Doon ay ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.' Sapagkat marami ang tinawag, ngunit kakaunti ang pinili." Pagkatapos ay umalis ang mga Fariseo at pinag-uusapan nila kung paano siyang mabibitag sa kanyang pananalita. Kaya't sinugo nila ang kanilang mga alagad sa kanya, kasama ng mga Herodiano, na nagsasabi, "Guro, alam naming ikaw ay tapat, at itinuturo mo ang daan ng Diyos. ayon sa katotohanan at wala kang pinapanigang sinuman, sapagkat hindi ka nagtatangi ng tao. Sabihin mo nga sa amin, ano sa palagay mo? Matuwid bang magbuwis kay Cesar, o hindi?" Ngunit batid ni Jesus ang kanilang kasamaan, sinabi niya, "Bakit ninyo ako sinusubok, mga mapagkunwari? Ipakita ninyo sa akin ang salaping pambuwis." At dinala sa kanya ang isang denario. Sinabi niya sa kanila, "Kaninong larawan ito at ang nakasulat?" Sinabi nila sa kanya, "Kay Cesar." Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, "Kaya't ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar at sa Diyos ang sa Diyos." Nang marinig nila ito ay namangha sila. Kanilang iniwan siya at sila'y umalis. Nang araw ding iyon ay lumapit kay Jesust ang mga Saduceo, na nagsasabing walang pagkabuhay na muli; at kanilang tinanong siya, na sinasabi, "Guro, sinabi ni Moises, 'Kung mamatay ang isang tao na walang anak, pakakasalan ng kanyang kapatid na lalaki ang asawa niya, at magkakaroon ng mga anak para sa kanyang kapatid na lalaki.' Ngayon, mayroon sa aming pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at siya'y namatay. Sapagkat hindi siya nagkaroon ng anak ay iniwan niya ang kanyang asawa sa kanyang kapatid na lalaki. Gayundin naman ang nangyari sa ikalawa at sa ikatlo, hanggang sa ikapito. At kahuli-hulihan sa lahat ay namatay ang babae. Kaya sa muling pagkabuhay, alin sa pito ang magiging asawa ng babae? Yamang siya'y napangasawa nilang lahat." Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, "Nagkakamali kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman ang mga kasulatan, o ang kapangyarihan ng Diyos. Sapagkat sa muling pagkabuhay ay hindi sila nag-aasawa o pinag-aasawa pa kundi sila'y tulad sa mga anghel sa langit. At tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay, hindi ba ninyo nabasa ang sinabi sa inyo ng Diyos, 'Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob'? Siya ay hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buhay." Nang marinig ito ng napakaraming tao, namangha sila sa kanyang aral. Ngunit nang marinig ng mga Fariseo na napatahimik ni Jesus ang mga Saduceo, ay nagtipon sila. At isa sa kanila, na tagapagtanggol ng kautusan, ay nagtanong sa kanya upang siya'y subukin. "Guro, alin ba ang dakilang utos sa kautusan?" At sinabi sa kanya, " 'Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.' Ito ang dakila at unang utos. At ang pangalawa ay katulad nito, 'Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.' Sa dalawang utos na ito nakasalig ang buong kautusan at ang mga propeta." Habang nagkakatipon ang mga Fariseo ay tinanong sila ni Jesus, na sinasabi, "Ano ang palagay ninyo tungkol sa Cristo? Kaninong anak siya?" Sinabi nila sa kanya, "Kay David." Sinabi niya sa kanila, "Kung gayo'y bakit si David nang nasa Espiritu ay tumatawag sa kanya ng Panginoon, na nagsasabi, 'Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, "Maupo ka sa aking kanan, hanggang sa mailagay ko ang iyong mga kaaway sa ilalim ng iyong mga paa" '? Kung tinatawag nga siya ni David na Panginoon, paanong siya'y naging kanyang anak?" Walang nakasagot sa kanya kahit isang salita, at wala na ring sinumang nangahas pang magtanong sa kanya ng anuman buhat sa araw na iyon. Pagkatapos ay nagsalita si Jesus sa maraming tao at sa kanyang mga alagad, na sinasabi, "Ang mga eskriba at ang mga Fariseo ay umuupo sa upuan ni Moises. Kaya't gawin at sundin ninyo ang lahat ng mga sinasabi nila sa inyo, ngunit huwag ninyong gawin ang mga ginagawa nila, sapagkat hindi nila ginagawa ang sinasabi nila. Nagtatali sila ng mabibigat na pasanin at mahihirap dalhin at ipinapatong nila sa mga balikat ng mga tao; ngunit ayaw nila mismong galawin ang mga iyon ng kanilang daliri. Ginagawa nila ang lahat ng kanilang mga gawa upang makita ng mga tao; sapagkat pinalalapad nila ang kanilang mga pilakteria, at pinahahaba ang mga laylayan ng kanilang mga damit. Gustung-gusto nila ang mararangal na lugar sa mga handaan at ang mga pangunahing upuan sa mga sinagoga, at ang pagbibigay-galang sa kanila sa mga pamilihan, at ang sila'y tawagin ng mga tao, 'Rabi.' Ngunit hindi kayo dapat tawaging Rabi, sapagkat iisa ang inyong Guro, at kayong lahat ay magkakapatid. At huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, siya na nasa langit. Ni huwag kayong patawag na mga tagapagturo; sapagkat iisa ang inyong Tagapagturo, ang Cristo. Ang pinakadakila sa inyo ang magiging lingkod ninyo. Sinumang nagmamataas ay ibababa at sinumang nagpapakababa ay itataas. "Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit sa mga tao; sapagkat kayo mismo ay hindi pumapasok at ang mga pumapasok ay hindi ninyo pinapayagang makapasok. [Kahabag-habag kayo, mga eskriba't mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat sinasakmal ninyo ang mga bahay ng mga babaing balo, at inyong dinadahilan ang mahahabang panalangin: kaya't tatanggap kayo ng lalong mabigat na parusa.] Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nilalakbay ninyo ang dagat at ang lupa upang magkaroon ng isang mahihikayat, at kung siya'y nahikayat na ay ginagawa ninyo siyang makalawang-ulit pang anak ng impiyerno kaysa inyong mga sarili. "Kahabag-habag kayo, mga bulag na taga-akay na nagsasabi, 'Kung ipanumpa ninuman ang templo, ay wala iyong kabuluhan, ngunit kung ipanumpa ninuman ang ginto ng templo, siya ay may pananagutan.' Kayong mga mangmang at mga bulag! Alin ba ang higit na dakila, ang ginto, o ang templo na nagpapabanal sa ginto? At sinasabi ninyo, 'Kung ipanumpa ninuman ang dambana, ay wala iyong kabuluhan, ngunit kung ipanumpa ninuman ang handog na nasa ibabaw nito, siya ay may pananagutan.' Kayong mga bulag! Sapagkat alin ba ang higit na dakila, ang handog o ang dambana na nagpapabanal sa handog? Kaya't ang gumagamit sa dambana sa pagsumpa ay nanunumpa dito, at sa lahat ng mga bagay na nasa ibabaw nito. At ang gumagamit sa templo sa pagsumpa ay nanunumpa dito, at sa kanya na tumatahan sa loob nito. Ang gumagamit sa langit sa pagsumpa ay nanunumpa sa trono ng Diyos at sa kanya na nakaupo doon. "Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nag-iikapu kayo ng yerbabuena, ng anis at ng komino, at inyong pinababayaan ang higit na mahahalagang bagay ng kautusan: ang katarungan, ang habag, at ang pananampalataya. Subalit dapat sana ninyong gawin ang mga ito nang hindi pinababayaan ang iba. Kayong mga bulag na taga-akay! Sinasala ninyo ang niknik, ngunit nilulunok ninyo ang kamelyo! "Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat nililinis ninyo ang labas ng kopa at ng pinggan, ngunit sa loob ay puno sila ng kasakiman at kalayawan. Ikaw na bulag na Fariseo! Linisin mo muna ang loob ng kopa at ng pinggan, upang luminis din naman ang labas nito. "Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat tulad kayo sa nga pinaputing libingan na magandang tingnan sa labas, ngunit sa loob ay puno ng mga buto ng mga patay at ng lahat ng uri ng karumihan. Gayundin naman kayo, na sa labas ay mistulang matuwid sa mga tao, ngunit sa loob ay puno kayo ng pagkukunwari at kasamaan. "Kahabag-habag kayo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagkunwari! Sapagkat itinatayo ninyo ang mga libingan ng mga propeta, at pinapalamutian ninyo ang mga bantayog ng mga matuwid, at sinasabi ninyo, 'Kung nabuhay sana kami sa mga araw ng aming mga ninuno, hindi kami makikibahagi sa kanila sa dugo ng mga propeta.' Kaya't kayo'y nagpapatotoo na rin laban sa inyong sarili, na kayo'y mga anak ng mga pumaslang sa mga propeta. Punuin nga ninyo ang takalan ng inyong mga magulang. Kayong mga ahas, kayong lahi ng mga ulupong, paano kayo makakatakas sa kahatulan sa impiyerno? Kaya't, narito, nagsusugo ako sa inyo ng mga propeta, ng mga pantas, at ng mga eskriba, na ang iba sa kanila'y inyong papatayin at ipapako sa krus, at ang iba nama'y inyong hahagupitin sa inyong mga sinagoga, at inyong uusigin sa bayan-bayan, upang mapasainyong lahat ang matuwid na dugo na dumanak sa ibabaw ng lupa buhat sa dugo ni Abel na matuwid, hanggang sa dugo ni Zacarias na anak ni Baraquias na inyong pinaslang sa pagitan ng templo at ng dambana. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang lahat ng mga bagay na ito ay darating sa lahing ito. "O Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinusugo sa kanya! Makailang ulit kong ninais na tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, at ayaw ninyo! Masdan ninyo, ang inyong bahay ay iniiwan sa inyong wasak. Sapagkat sinasabi ko sa inyo na mula ngayon ay hindi na ninyo ako makikita, hanggang sa inyong sabihin, 'Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon.'" Lumabas si Jesus sa templo at paalis na, nang lumapit sa kanya ang mga alagad niya upang ipakita sa kanya ang mga gusali ng templo. Ngunit siya'y sumagot at sinabi sa kanila, "Hindi ba ninyo nakikita ang lahat ng mga bagay na ito? Katotohanang sinasabi ko, walang matitira ni isang bato rito na nasa ibabaw ng ibang bato na hindi ibabagsak." Samantalang siya'y nakaupo sa Bundok ng mga Olibo, lumapit sa kanya nang sarilinan ang mga alagad, na nagsasabi, "Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito at ano ang tanda ng iyong pagdating, at ng katapusan ng panahon? Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, "Mag-ingat kayo na huwag kayong mailigaw ng sinuman. Sapagkat marami ang darating sa aking pangalan, na nagsasabi, 'Ako ang Cristo' at ililigaw nila ang marami. At makakarinig kayo ng mga digmaan at ng mga bali-balita ng mga digmaan. Mag-ingat kayo na huwag kayong mangamba, sapagkat kailangang mangyari ito, subalit hindi pa ito ang wakas. Sapagkat maglalaban ang bansa sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian. Magkakaroon ng taggutom at mga lindol sa iba't ibang dako. Ngunit ang lahat ng mga ito ay pasimula lamang ng matinding paghihirap. "Pagkatapos ay ibibigay kayo sa kapighatian at kayo'y papatayin; at kayo'y kapopootan ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan. Maraming tatalikod. magtataksil at mapopoot sa isa't isa. Maraming bulaang propeta ang lilitaw at ililigaw nila ang marami. Dahil sa paglaganap ng kasamaan, ang pag-ibig ng marami ay lalamig. Subalit ang magtiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas. At ang magandang balitang ito ng kaharian ay ipahahayag sa buong daigdig bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at pagkatapos ay darating ang wakas. "Kaya, kapag nakita ninyo ang karumaldumal na paglapastangan na sinabi sa pamamagitan ni propeta Daniel, na nakatayo sa dakong banal (unawain ng bumabasa), ang mga nasa Judea ay tumakas na patungo sa mga bundok. Ang nasa bubungan ay huwag nang bumaba upang kunin ang mga bagay sa loob ng kanyang bahay. At ang nasa bukid ay huwag nang bumalik upang kunin ang kanyang balabal. Ngunit kahabag-habag ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon! Kaya't idalangin ninyo na huwag mangyari ang pagtakas ninyo sa taglamig o sa Sabbath. Sapagkat sa panahong iyon ay magkakaroon ng matinding paghihirap na hindi pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan hanggang ngayon, at hindi na mangyayari kailanman. At kung hindi paiikliin ang mga araw na iyon, ay walang makakaligtas na laman, subalit alang-alang sa mga hinirang ay paiikliin ang mga araw na iyon. At kung may sinumang magsabi sa inyo, 'Masdan ninyo, narito ang Cristo!' o, 'Nariyan siya!' huwag ninyong paniwalaan. Sapagkat lilitaw ang mga bulaang Cristo at ang mga bulaang propeta, at magpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan, anupa't ililigaw, kung maaari, pati ang mga hinirang. Tingnan ninyo, ipinagpauna ko nang sinabi sa inyo. Kaya, kung sasabihin nila sa inyo, 'Tingnan ninyo, siya'y nasa ilang,' huwag kayong lumabas. 'Tingnan ninyo, siya'y nasa mga silid,' huwag ninyong paniwalaan. Sapagkat gaya ng kidlat na nanggagaling sa silangan at nagliliwanag hanggang sa kanluran, gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao. Kung saan naroon ang bangkay, ay doon magkakatipon ang mga buwitre. "At pagkatapos ng paghihirap sa mga panahong iyon ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag, at mahuhulog ang mga bituin mula sa langit, at yayanigin ang mga kapangyarihan sa langit. Pagkatapos ay lilitaw ang tanda ng Anak ng Tao sa langit, at tatangis ang lahat ng mga lipi sa lupa, at makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa mga ulap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. Isusugo niya ang kanyang mga anghel na may malakas na tunog ng trumpeta at kanilang titipunin ang kanyang mga hinirang mula sa apat na hangin, mula sa isang dulo ng langit hanggang sa kabila. "Kaya, pag-aralan ninyo mula sa puno ng igos ang kanyang talinghaga: kapag malambot na ang sanga nito at umuusbong na ang mga dahon, alam ninyong malapit na ang tag-araw. Gayundin naman kayo, kapag nakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, alam ninyong siya'y malapit na, nasa mga pintuan na. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito. Ang langit at ang lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas. "Subalit tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, ni ang Anak kundi ang Ama lamang. Kung paano sa mga araw ni Noe, gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao. Sapagkat kung paano sa mga araw na iyon bago bumaha, sila'y kumakain at umiinom, at nag-aasawa at pinag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa barko, at hindi nila nalalaman hanggang sa dumating ang baha, at tinangay silang lahat, ay gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao. Kaya, may dalawang taong pupunta sa bukid, ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan. May dalawang babaing magtatrabaho sa isang gilingan; ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan. Magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung anong araw darating ang inyong Panginoon. Ngunit unawain ninyo ito, na kung nalalaman ng puno ng sambahayan kung anong bahagi ng gabi darating ang magnanakaw, magpupuyat sana siya at hindi niya hahayaang pasukin ang kanyang bahay. Kaya, maging handa rin naman kayo, sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan. "Sino nga ba ang tapat at matalinong alipin na inatasan ng kanyang panginoon na pangasiwaan ang kanyang sambahayan, upang magbigay sa kanila ng pagkain sa tamang panahon? Mapalad ang alipin na kung dumating ang kanyang panginoon ay maratnan siyang gayon ang kanyang ginagawa. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ipagkakatiwala niya sa kanya ang lahat ng kanyang ari-arian. Ngunit kung ang masamang aliping iyon ay magsabi sa kanyang puso, 'Magtatagal ang aking panginoon,' at pinasimulan niyang bugbugin ang mga kapwa niya alipin, at nakisalo at nakipag-inuman sa mga lasing, darating ang panginoon ng aliping iyon sa araw na hindi niya inaasahan, at sa oras na hindi niya nalalaman, at siya'y pagpuputul-putulin at ilalagay na kasama ng mga mapagkunwari, kung saan ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin. "Ang kaharian ng langit ay maihahambing sa sampung birhen na kumuha ng kanilang mga ilawan at lumabas upang salubungin ang lalaking ikakasal. Ang lima sa kanila'y mga hangal at ang lima'y matatalino. Sapagkat nang kunin ng mga hangal ang kanilang mga ilawan, ay hindi sila nagdala ng langis. Ngunit ang matatalino ay nagdala ng langis sa mga lalagyan na kasama ng kanilang mga ilawan. Samantalang naaantala pa ang lalaking ikakasal ay inantok silang lahat at nakatulog. Subalit nang hatinggabi na ay may sumigaw, 'Narito na ang lalaking ikakasal! Lumabas kayo upang salubungin siya.' Bumangon lahat ang mga birheng iyon at iniayos ang kanilang mga ilawan. At sinabi ng mga hangal sa matatalino, 'Bigyan ninyo kami ng inyong langis, sapagkat namamatay na ang aming mga ilawan.' Ngunit sumagot ang matatalino na nagsasabi, 'Maaaring hindi sapat para sa amin at para sa inyo. Kaya't pumunta kayo sa mga nagtitinda at bumili kayo ng para sa inyo.' At habang pumupunta sila upang bumili, dumating ang lalaking ikakasal. Ang mga nakapaghanda ay pumasok na kasama niya sa piging ng kasalan; at isinara ang pintuan. Pagkatapos ay dumating naman ang ibang mga birhen, na nagsasabi, 'Panginoon, Panginoon, pagbuksan mo kami.' Ngunit sumagot siya at sinabi, 'Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi ko kayo nakikilala.' Kaya maging handa kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman ang araw o ang oras. "Sapagkat tulad sa isang tao na maglalakbay, tinawag niya ang kanyang sariling mga alipin, at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang mga ari-arian. Ang isa ay binigyan niya ng limang talento, ang isa ay dalawa, at ang isa ay isa; sa bawat isa'y ayon sa kanyang kakayahan. Pagkatapos ay humayo na siya sa paglalakbay. Ang tumanggap ng limang talento ay umalis kaagad at ipinangalakal niya ang mga iyon, at nakinabang siya ng lima pang talento. Gayundin, ang tumanggap ng dalawa ay nakinabang pa ng dalawa. Subalit ang tumanggap ng isa ay umalis at humukay sa lupa, at itinago ang salapi ng kanyang panginoon. Pagkalipas ng mahabang panahon, dumating ang panginoon ng mga aliping iyon, at nakipag-ayos sa kanila. Ang tumanggap ng limang talento ay lumapit at nagdala ng lima pang talento, na nagsasabi, 'Panginoon, binigyan mo ako ng limang talento. Heto, ako'y nakinabang ng lima pang talento.' Sinabi sa kanya ng panginoon niya, 'Magaling! Mabuti at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.' At lumapit din ang tumanggap ng dalawang talento at sinabi niya, 'Panginoon, binigyan mo ako ng dalawang talento. Heto, ako'y nakinabang ng dalawa pang talento.' Sinabi sa kanya ng panginoon niya, 'Magaling! Mabuti at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon.' At lumapit din ang tumanggap ng isang talento at sinabi niya, 'Panginoon, alam kong ikaw ay taong malupit, na gumagapas ka roon sa hindi mo hinasikan, at nagtitipon ka roon sa hindi mo kinalatan ng binhi. Kaya ako'y natakot at ako'y umalis at itinago ko sa lupa ang talento mo. Heto, iyo na ang sa iyo.' Ngunit sumagot ang kanyang panginoon at sinabi sa kanya, 'Ikaw na masama at tamad na alipin! Alam mo palang ako'y gumagapas sa hindi ko hinasikan, at nagtitipon sa hindi ko kinalatan ng binhi. Dapat sana'y inilagak mo ang aking salapi sa mga mangangalakal ng salapi, at nang sa aking pagdating ay matanggap ko kung ano ang akin pati na ang pakinabang. Kaya't kunin ninyo sa kanya ang talento, at ibigay ninyo sa kanya na may sampung talento. Sapagkat ang bawat mayroon ay bibigyan at siya'y magkakaroon ng kasaganaan, ngunit ang wala, pati ang nasa kanya ay kukunin. At ang aliping walang pakinabang ay itapon ninyo sa kadiliman sa labas. Doon ay magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.' "Kapag dumating na ang Anak ng Tao na nasa kanyang kaluwalhatian, na kasama niya ang lahat ng mga anghel, siya'y uupo sa trono ng kanyang kaluwalhatian. At titipunin sa harapan niya ang lahat ng mga bansa at kanyang pagbubukud-bukurin ang mga tao na gaya ng pagbubukud-bukod ng pastol sa mga tupa at sa mga kambing, at ilalagay niya ang mga tupa sa kanyang kanan, subalit ang mga kambing ay sa kaliwa. Pagkatapos ay sasabihin ng Hari sa mga nasa kanyang kanan, 'Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula sa pagkatatag ng sanlibutan. Sapagkat ako'y nagutom at binigyan ninyo ako ng pagkain. Ako'y nauhaw, at binigyan ninyo ako ng inumin. Ako'y taga-ibang bayan, at ako'y inyong pinatuloy. Ako'y naging hubad at inyong dinamitan. Ako'y nagkasakit at ako'y inyong dinalaw. Ako'y nabilanggo at ako'y inyong pinuntahan.' Pagkatapos ay sasagutin siya ng mga matuwid, na nagsasabi, 'Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom, at pinakain ka namin, o uhaw, at binigyan ka ng inumin? Kailan ka namin nakitang isang taga-ibang bayan at pinatuloy ka, o hubad, at dinamitan ka? At kailan ka namin nakitang maysakit, o nasa bilangguan, at dinalaw ka namin?' At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, 'Katotohanang sinasabi ko sa inyo, yamang ginawa ninyo ito sa isa sa pinakamaliit sa mga kapatid kong ito, ay sa akin ninyo ginawa.' Pagkatapos ay sasabihin niya sa mga nasa kaliwa, 'Lumayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa. Doon kayo sa apoy na walang hanggan na inihanda sa diyablo at sa kanyang mga anghel. Sapagkat ako'y nagutom, at hindi ninyo ako binigyan ng pagkain. Ako'y nauhaw, at hindi ninyo binigyan ng inumin. Ako'y taga-ibang bayan, at hindi ninyo ako pinatuloy. Hubad, at hindi ninyo ako dinamitan; maysakit at nasa bilangguan, at hindi ninyo dinalaw' Pagkatapos ay sasagot din sila, na nagsasabi, 'Panginoon, kailan ka namin nakitang gutom, o uhaw, o isang taga-ibang bayan, o hubad, o maysakit, o nasa bilangguan, at hindi ka namin pinaglingkuran?' At sila'y sasagutin niya, na nagsasabi, 'Katotohanang sinasabi ko sa inyo, yamang hindi ninyo ito ginawa sa isa sa pinakamaliliit na ito, ay hindi ninyo ito ginawa sa akin.' At ang mga ito'y mapupunta sa walang hanggang kaparusahan, ngunit ang mga matuwid ay sa buhay na walang hanggan." Nang matapos ni Jesus ang lahat ng mga salitang ito ay sinabi niya sa kanyang mga alagad, "Nalalaman ninyo na pagkaraan ng dalawang araw ay darating ang Paskuwa, at ibibigay ang Anak ng Tao upang ipako sa krus." Pagkatapos nito ang mga punong pari at ang matatanda sa bayan ay nagkatipon sa palasyo ng pinakapunong pari, na tinatawag na Caifas. At sila'y nagsabwatan upang hulihin si Jesus sa pamamagitan ng daya, at patayin siya. Ngunit sinabi nila, "Huwag sa kapistahan, baka magkagulo ang mga taong-bayan." Nang si Jesus ay nasa Betania, sa bahay ni Simon na ketongin, lumapit sa kanya ang isang babae na may dalang isang sisidlang alabastro na may lamang mamahaling pabango at ibinuhos sa kanyang ulo, habang siya'y nakaupo sa may hapag. Subalit nang makita ito ng mga alagad, ay nagalit sila, na nagsasabi, "Anong layunin ng pag-aaksayang ito? Sapagkat maipagbibili sana ito sa malaking halaga, at maibibigay sa mga dukha." Ngunit nang malaman ni Jesus ay sinabi niya sa kanila, "Bakit ninyo ginugulo ang babae? Sapagkat gumawa siya sa akin ng isang mabuting bagay. Sapagkat lagi ninyong kasama ang mga dukha, ngunit ako'y hindi ninyo laging makakasama. Sapagkat sa pagbubuhos niya ng pabangong ito sa aking katawan, ginawa niya iyon upang ihanda ako sa paglilibing. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, saan man ipangaral ang magandang balitang ito sa buong sanlibutan, ang ginawa ng babaing ito ay sasaysayin bilang pag-alaala sa kanya." Pagkatapos, isa sa labindalawa, na tinatawag na Judas Iscariote ang nagpunta sa mga punong pari, at nagsabi, "Anong ibibigay ninyo sa akin, kung ibibigay ko siya sa inyo?" At kanilang ipinagtimbang siya ng tatlumpung pirasong pilak. At mula noon ay humanap siya ng pagkakataon na maipagkanulo si Jesus. Nang unang araw ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa, lumapit ang mga alagad kay Jesus, na nagsasabi, "Saan mo ibig na ipaghanda ka namin upang kumain ka ng kordero ng paskuwa?" At sinabi niya, "Pumunta kayo sa isang tao sa lunsod at sabihin ninyo sa kanya, 'Sinabi ng Guro, Malapit na ang oras ko; sa iyong bahay ko gaganapin ang paskuwa kasama ng aking mga alagad.' " At ginawa ng mga alagad ang ayon sa ipinag-utos sa kanila ni Jesus, at inihanda nila ang paskuwa. Pagsapit ng gabi, umupo siyang kasalo ng labindalawang alagad. At samantalang sila'y kumakain ay sinabi niya, "Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na isa sa inyo ay magkakanulo sa akin." At sila'y labis na nalungkot, at isa-isang nagpasimulang magsabi sa kanya, "Ako ba, Panginoon?" Sumagot siya at sinabi, "Ang kasabay kong nagsawsaw ng kanyang kamay sa mangkok ang siyang magkakanulo sa akin. Tunay na papanaw ang Anak ng Tao tulad ng nasusulat tungkol sa kanya, ngunit kahabag-habag ang taong iyon na sa pamamagitan niya'y ipagkakanulo ang Anak ng Tao! Mabuti pa sana sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak." At si Judas na sa kanya'y nagkanulo, ay sumagot at nagsabi, "Hindi ako iyon, Rabi?" Sinabi niya sa kanya, "Ikaw ang nagsabi." Habang sila'y kumakain ay dumampot si Jesus ng tinapay, binasbasan niya ito at pinagputul-putol, at ibinigay sa mga alagad, at sinabi, "Kumuha kayo, kainin ninyo; ito ang aking katawan." At kumuha siya ng isang saro at nang makapagpasalamat ay ibinigay sa kanila, na nagsasabi, "Uminom kayong lahat nito, sapagkat ito ang aking dugo ng tipan," na nabubuhos dahil sa marami, sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. At sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay hindi na ako iinom ng katas ng ubas na ito hanggang sa araw na iyon na iinumin kong panibago na kasalo kayo sa kaharian ng aking Ama." At pagkaawit nila ng isang himno ay nagtungo sila sa Bundok ng mga Olibo. Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa kanila, "Kayong lahat ay tatalikod dahil sa akin sa gabing ito; sapagkat nasusulat, 'Sasaktan ko ang pastol, at ang mga tupa ng kawan ay magkakawatak-watak.' Subalit matapos na ako'y maibangon na ay mauuna ako sa inyo sa Galilea." Ngunit sumagot si Pedro at sinabi sa kanya, "Kung ang lahat man ay tumalikod dahil sa iyo, ako kailanma'y hindi tatalikod." Sinabi ni Jesus sa kanya, "Katotohanang sinasabi ko sa iyo, sa gabing ito, bago tumilaok ang manok, ay ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit." Sinabi sa kanya ni Pedro, "Kahit kinakailangang ako'y mamatay na kasama mo, ay hindi kita ipagkakaila." Gayundin ang sinabi ng lahat ng mga alagad. Pagkatapos ay pumunta si Jesus na kasama sila sa isang pook na tinatawag na Getsemani, at sinabi niya sa kanyang mga alagad, "Maupo kayo rito, samantalang ako'y pupunta sa dako roon at mananalangin." Isinama niya si Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo, at nagpasimula siyang malungkot at mabagabag. At sinabi niya sa kanila, "Lubhang nalulungkot ang aking kaluluwa na halos ay ikamatay. Manatili kayo rito at makipagpuyat sa akin." Paglakad pa niya ng malayo-layo, siya'y nagpatirapa at nanalangin, na nagsasabi, "Ama ko, kung maaari, lumampas sana sa akin ang kopang ito; gayunma'y hindi ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo." At lumapit siya sa mga alagad, at sila'y kanyang naratnang natutulog, at sinabi niya kay Pedro, "Samakatuwid, hindi ninyo kayang makipagpuyat sa akin ng isang oras? Kayo'y maging handa at manalangin, upang hindi kayo madaig ng tukso. Ang espiritu ay tunay na nagnanais subalit ang laman ay mahina." Muli, sa ikalawang pagkakataon, umalis siya at nanalangin, na nagsasabi, "Ama ko, kung hindi maaaring lumampas ito, malibang inumin ko ito, ang iyong kalooban ang siyang mangyari." At muli siyang lumapit at naratnan silang natutulog, sapagkat antok na antok na sila. Kaya sila'y muli niyang iniwan, at umalis, at nanalangin sa ikatlong pagkakataon na sinasabi ang gayunding mga salita. Pagkatapos ay lumapit siya sa mga alagad at sinabi sa kanila, "Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Masdan ninyo, malapit na ang oras, at ang Anak ng Tao ay ipinagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan. Bumangon kayo, lumakad tayo. Masdan ninyo, malapit na ang nagkakanulo sa akin." At habang nagsasalita pa siya, dumating si Judas, na isa sa labindalawa, at kasama niya ang napakaraming tao na may mga tabak at mga pamalo, mula sa mga punong pari at sa matatanda ng bayan. At ang nagkanulo sa kanya ay nagbigay sa kanila ng isang palatandaan, na sinasabi, Ang hahalikan ko ay iyon na nga; dakpin ninyo siya.' Kaagad siyang lumapit kay Jesus, at sinabi, "Magandang gabi. Rabi!" at kanyang hinagkan siya. At sinabi sa kanya ni Jesus, "Kaibigan, gawin mo ang layunin ng pagparito mo." Pagkatapos ay lumapit sila at kanilang hinawakan si Jesus at siya'y kanilang dinakip. Ang isa sa mga kasama ni Jesus ay nag-unat ng kanyang kamay at bumunot ng kanyang tabak. Tinaga niya ang alipin ng pinakapunong pari at tinagpas ang tainga nito. Nang magkagayo'y sinabi sa kanya ni Jesus, "Ibalik mo ang iyong tabak sa kanyang lalagyan, sapagkat ang lahat ng humahawak ng tabak ay sa tabak mamatay. O sa akala mo ba'y hindi ako maaaring tumawag sa aking Ama, at padadalhan niya ako ngayon din ng mahigit sa labindalawang pangkat ng mga anghel? Ngunit kung gayo'y paanong matutupad ang mga kasulatan, na ganito ang kinakailangang mangyari?" Sa oras na iyon ay sinabi ni Jesus sa mga napakaraming tao, "Kayo ba'y lumabas na parang laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga pamalo upang dakpin ako? Araw-araw ay nakaupo ako sa templo na nagtuturo, at hindi ninyo ako dinakip. Subalit nangyari ang lahat ng ito, upang matupad ang mga kasulatan ng mga propeta." Pagkatapos ay iniwan siya ng lahat ng mga alagad at sila'y tumakas. Si Jesus ay dinala ng mga dumakip sa kanya kay Caifas, na pinakapunong pari, na kung saan nagkatipon ang mga eskriba at matatanda. Ngunit sumunod si Pedro sa kanya ng may kalayuan, hanggang sa bakuran ng pinakapunong pari. Siya'y pumasok, at umupong kasama ng mga tanod upang makita niya kung ano ang mangyayari. At ang mga punong pari at ang buong Sanhedrin ay humanap ng mga bulaang saksi laban kay Jesus upang kanilang maipapatay siya. Ngunit wala silang natagpuan bagaman maraming humarap na mga bulaang saksi. Pagkatapos ay may dalawang dumating, at nagsabi, "Sinabi ng taong ito, 'Kaya kong gibain ang templo ng Diyos, at muling itayo sa loob ng tatlong araw.'" Tumindig ang pinakapunong pari at sinabi sa kanya, "Wala ka bang isasagot? Ano itong ibinibintang ng mga ito laban sa iyo?" Ngunit hindi umimik si Jesus. At sinabi ng pinakapunong pari sa kanya, "Pinanunumpa kita sa harapan ng Diyos na buhay, sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos." Sinabi ni Jesus sa kanya, "Ikaw ang nagsabi, ngunit sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay inyong makikita ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Kapangyarihan, at dumarating na nasa mga ulap ng langit." Nang magkagayo'y pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang mga damit, na sinasabi, "Nagsalita siya ng kalapastanganan. Bakit kailangan pa natin ng mga saksi? Narito, narinig ninyo ngayon ang kanyang kalapastanganan. Ano sa palagay ninyo?" Sumagot sila at sinabi, "Karapat-dapat siya sa kamatayan." Pagkatapos ay kanilang niluraan siya sa kanyang mukha at siya'y kanilang pinagsusuntok; at sinampal siya ng iba, na nagsasabi, "Ipahayag mo sa amin, ikaw na Cristo! Sino ang sumuntok sa iyo?" Samantala, si Pedro ay nakaupo sa labas ng bakuran. Lumapit sa kanya ang isang aliping babae, na nagsasabi, "Ikaw ay kasama rin ni Jesus na taga-Galilea." Subalit ipinagkaila niya ito sa harap nilang lahat, na sinasabi, "Hindi ko alam ang sinasabi mo." At paglabas niya sa tarangkahan ay nakita siya ng isa pang alipin, at sinabi sa mga naroon, 'Ang taong ito ay kasama rin ni Jesus na taga-Nazaret." At muling ipinagkaila niya ito nang may panunumpa, "Hindi ko kilala ang taong iyon." Pagkalipas ng ilang sandali ay lumapit ang mga nakatayo roon at sinabi nila kay Pedro, "Talagang ikaw nga ay isa rin sa kanila, sapagkat nahahalata sa iyong pananalita." Pagkatapos ay nagpasimula siyang magsalita ng masama at manumpa, "Hindi ko kilala ang taong iyon." At kaagad tumilaok ang manok. At naalala ni Pedro ang salitang sinabi ni Jesus, "Bago tumilaok ang manok, ay tatlong ulit mo akong ikakaila." At siya'y lumabas at mapait na tumangis. Kinaumagahan, ang lahat ng mga punong pari at ang matatanda sa bayan ay sama-samang nag-usap laban kay Jesus upang siya'y ipapatay. Siya'y ginapos nila, dinala sa labas, at ibinigay nila kay Pilato na gobernador. At si Judas na nagkanulo kay Jesus, nang nakitang hinatulan na ito, ay nagsisi at isinauli ang tatlumpung pirasong pilak sa mga punong pari at sa matatanda, na sinasabi, "Ako'y nagkasala sa pagkakanulo ko sa dugong walang sala." Ngunit sinabi nila, "Ano iyon sa amin? Ikaw ang bahala diyan." At inihagis niya sa templo ang mga piraso ng pilak at siya'y umalis. Humayo siya at nagbigti. Subalit habang pinupulot ng mga punong pari ang mga piraso ng pilak, nagsabi sila, "Hindi matuwid na ilagay ang mga ito sa kabang-yaman, sapagkat dugo ang kapalit ng halagang ito." Pagkatapos mag-usap, ibinili nila ang mga iyon ng bukid ng magpapalayok upang paglibingan ng mga dayuhan. Kaya't ang bukid na iyon ay tinawag na Bukid ng Dugo hanggang sa araw na ito. Kaya't natupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta Jeremias, na sinasabi, "At kinuha nila ang tatlumpung pirasong pilak, ang halaga niya na itinuring na halaga ng ilan sa mga anak ng Israel, at ibinigay nila ang mga iyon para sa bukid ng magpapalayok, gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon." Si Jesus ay nakatayo sa harap ng gobernador at tinanong siya ng gobernador, "Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?" At sinabi ni Jesus sa kanya, "Ikaw ang nagsasabi." Ngunit nang siya'y paratangan ng mga punong pari at ng matatanda ay hindi siya sumagot ng anuman. At sinabi ni Pilato sa kanya, "Hindi mo ba naririnig kung gaano karaming bagay ang kanilang ipinaparatang laban sa iyo?" Subalit hindi siya sumagot sa kanya kahit isang salita man lamang, na lubhang ikinamangha ng gobernador. Noon sa kapistahan, nakaugalian na ng gobernador na pakawalan para sa mga tao ang sinumang bilanggo na kanilang maibigan. Nang panahong iyon ay mayroon silang isang bilanggo na kilala sa kasamaan, na tinatawag na Jesus Barabas. Kaya't nang sila'y magkatipon ay sinabi ni Pilato sa kanila, "Sino ang ibig ninyong pakawalan ko sa inyo? Si Barabas, o si Jesus na tinatawag na Cristo?" Sapagkat nabatid niya na dahil sa inggit ay kanilang ibinigay si Jesus sa kanya. At samantalang nakaupo siya sa luklukan ng paghuhukom, nagpasabi sa kanya ang kanyang asawa, "Huwag kang makialam sa matuwid na taong iyan, sapagkat sa araw na ito'y labis akong naghirap sa panaginip dahil sa kanya." Subalit hinikayat ng mga punong pari at ng matatanda ang maraming tao na hingin nila si Barabas at patayin naman si Jesus. Sumagot muli ang gobernador at sinabi sa kanila, "Alin sa dalawa ang ibig ninyong pakawalan ko sa inyo?" At sinabi nila, "Si Barabas." Sinabi sa kanila ni Pilato, "At anong gagawin ko kay Jesus na tinatawag na Cristo?" Sinabi nilang lahat, "Ipako siya sa krus!" At sinabi niya, "Bakit, anong kasamaan ang ginawa niya?" Ngunit lalo silang nagsigawan, na nagsasabi, "Ipako siya sa krus!" Kaya't nang makita ni Pilato na wala siyang magawa, sa halip ay nagsisimula pa nga ang isang malaking gulo, siya'y kumuha ng tubig at naghugas ng kanyang mga kamay sa harap ng napakaraming tao, na sinasabi, "Wala akong kasalanan sa dugo ng taong ito. Kayo na ang bahala diyan." At sumagot ang buong bayan at nagsabi, "Pananagutan namin at ng aming mga anak ang kanyang dugo." Pagkatapos ay pinakawalan niya sa kanila si Barabas ngunit si Jesus, pagkatapos hagupitin, ay ibinigay upang ipako sa krus. Dinala si Jesus ng mga kawal ng gobernador sa Pretorio at tinipon nila ang buong pangkat ng mga kawal sa paligid niya. At siya'y kanilang hinubaran at dinamitan ng isang balabal na pulang-pula. Sila'y gumawa ng isang koronang tinik, ipinatong ito sa kanyang ulo, at inilagay sa kanang kamay niya ang isang tambo. Lumuhod sila sa harapan niya at siya'y kanilang nilibak, na nagsasabi, "Mabuhay, Hari ng mga Judio!" Siya'y kanilang niluraan. Kinuha nila ang tambo at hinampas ang kanyang ulo. Pagkatapos na siya'y libakin, hinubad nila sa kanya ang balabal, isinuot sa kanya ang mga damit niya, at kanilang inilabas siya upang ipako sa krus. Sa paglabas nila'y kanilang nasalubong ang isang taong taga-Cirene, na Simon ang pangalan. Pinilit nila ang taong ito na pasanin ang krus ni Jesus." At nang sila'y makarating sa isang dakong tinatawag na Golgota (na ang kahulugan ay, 'Ang Dako ng Bungo"), kanilang binigyan siya ng alak na may kahalong apdo upang inumin. Ngunit nang kanyang matikman ay ayaw niyang inumin. At nang siya'y maipako nila sa krus, pinaghati-hatian nila ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan. Pagkatapos, sila'y umupo at binantayan siya roon. At sa itaas ng kanyang ulo ay inilagay nila ang paratang sa kanya, na nasusulat, "ITO SI JESUS, ANG HARI NG MGA JUDIO." At may dalawang tulisan na ipinakong kasama niya, isa sa kanan at isa sa kaliwa. Siya'y inalipusta ng mga nagdaraan at pailing-iling, na nagsasabi, "Ikaw na gigiba sa templo, at sa ikatlong araw ay itatayo ito, iligtas mo ang iyong sarili! Kung ikaw ang Anak ng Diyos, bumaba ka sa krus!" Sa gayunding paraan ay nilibak siya ng mga punong pari, kasama ng mga eskriba at ng matatanda, na nagsasabi, "Nagligtas siya ng iba; hindi niya mailigtas ang kanyang sarili. Siya ang Hari ng Israel; bumaba siya ngayon sa krus, at maniniwala tayo sa kanya. Nagtiwala siya sa Diyos; kanyang iligtas siya ngayon kung ibig niya, sapagkat sinabi niya, 'Ako'y Anak ng Diyos.'" Sa gayunding paraan ay inalipusta siya ng mga tulisan na ipinako sa krus na kasama niya. Mula nang oras na ikaanin ay nagdilim sa buong lupain hanggang sa oras na ikasiyam. At nang malapit na ang oras na ikasiyam ay sumigaw si Jesus ng may malakas na tinig, na sinasabi, "Eli, Eli, lama sabacthani?" na ang kahulugan ay "Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?" At nang marinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon ay sinabi nila, "Tinatawag ng taong ito si Elias." Tumakbo kaagad ang isa sa kanila at kumuha ng isang espongha, pinuno ito ng suka, inilagay sa isang tambo, at ibinigay sa kanya upang inumin. Ngunit sinabi ng iba, "Pabayaan ninyo siya, tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya." At muling sumigaw si Jesus ng may malakas na tinig at nalagot ang kanyang hininga. At nang sandaling iyon, ang tabing ng templo ay napunit sa dalawa, mula sa itaas hanggang sa ibaba; nayanig ang lupa; at nabiyak ang mga bato. Nabuksan ang mga libingan at maraming katawan ng mga banal na natulog ay bumangon, at paglabas nila sa mga libingan pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay ay pumasok sila sa banal na lunsod at nagpakita sa marami. Nang makita ng senturion at ng mga kasamahan niyang nagbabantay kay Jesus ang lindol at ang mga bagay na nangyari, sila'y lubhang natakot, at nagsabi, "Tunay na ito ang Anak ng Diyos!" At marami ding babae roon na nakatanaw mula sa malayo na sumunod kay Jesus buhat sa Galilea, na naglingkod sa kanya. Kasama sa mga iyon ay si Maria Magdalena, si Maria na ina nina Santiago at Jose, at ang ina ng mga anak ni Zebedeo. Kinagabihan, dumating ang isang mayamang mula sa Arimatea, na ang pangalan ay Jose, na naging alagad din ni Jesus. Pumunta ang taong ito kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. At ipinag-utos ni Pilato na ibigay iyon. Kinuha ni Jose ang bangkay at binalot niya iyon ng isang malinis na telang lino, at inilagay sa kanyang sariling bagong libingan, na kanyang inukit sa bato. Pagkatapos ay iginulong niya ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan, at siya'y umalis. Si Maria Magdalena at ang isa pang Maria ay naroon at nakaupo sa tapat ng libingan. Kinabukasan, pagkatapos ng araw ng Paghahanda, ang mga punong pari at ang mga Fariseo ay nagpulong sa harapan ni Pilato, na nagsasabi, "Ginoo, natatandaan namin na sinabi ng mandarayang iyon nang nabubuhay pa siya, 'Pagkaraan ng tatlong araw ay babangon akong muli.' Kaya't ipag-utos mo na bantayan ang libingan hanggang sa ikatlong araw, baka pumaroon ang kanyang mga alagad at siya'y nakawin, at sabihin sa mga tao, 'Siya'y bumangon mula sa mga patay,' at magiging masahol pa ang huling pandaraya kaysa una." Sinabi ni Pilato sa kanila, "Mayroon kayong bantay, humayo kayo, bantayan ninyo sa paraang alam ninyo." Kaya't sila'y pumaroon, at iningatan nila ang libingan, tinatakan ang bato, na kasama nila ang bantay. Pagkatapos ng Sabbath, pagbubukang-liwayway ng unang araw ng sanlinggo, si Maria Magdalena at ang isa pang Maria ay pumaroon upang tingnan ang libingan. At biglang nagkaroon ng malakas na lindol, sapagkat bumaba mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon, na naparoon at iginulong ang bato, at umupo sa ibabaw nito. Ang kanyang anyo ay tulad sa kidlat at ang kanyang pananamit ay maputing parang busilak. At sa takot sa kanya, nanginig ang mga bantay, at naging tulad sa mga patay. Ngunit sumagot ang anghel at sinabi sa mga babae, "Huwag kayong matakot, sapagkat nalalaman kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala siya rito, sapagkat siya'y binuhay, tulad ng sinabi niya. Halikayo, tingnan ninyo ang dakong hinigaan niya. Pagkatapos ay magmadali kayong umalis at sabihin ninyo sa kanyang mga alagad na siya'y binuhay mula sa mga patay. Siya'y mauuna sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon. Ito ang nasabi ko na sa inyo." Sila nga'y dali-daling umalis sa libingan na may takot at malaking kagalakan, at tumakbo sila upang magbalita sa kanyang mga alagad. At doo'y sinalubong sila ni Jesus, na nagsasabi, "Kapayapaan ay sumainyo." At paglapit nila sa kanya ay niyakap ang kanyang mga paa at siya'y sinamba. Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa kanila, "Huwag kayong matakot. Humayo kayo at sabihin ninyo sa aking mga kapatid na pumunta sila sa Galilea, at doon ay makikita nila ako." Habang patungo sila roon, ang ilan sa mga bantay ay pumunta sa lunsod at ibinalita sa mga punong pari ang lahat ng mga bagay na nangyari. Pagkatapos makipagpulong sa matatanda, nagpanukala sila na magbigay ng sapat na salapi sa mga kawal, na sinasabi, "Sabihin ninyo, Ang kanyang mga alagad ay dumating nang gabi at siya'y kanilang ninakaw samantalang kami'y natutulog.' Kung mabalitaan ito ng gobernador, hihikayatin namin siya, at ilalayo namin kayo sa gulo." At ginawa nga ng mga tumanggap ng salapi ang ayon sa itinuro sa kanila. Ang salitang ito ay kumalat sa mga Judio hanggang sa araw na ito. Samantala, ang labing-isang alagad ay pumunta sa Galilea, sa bundok na itinuro sa kanila ni Jesus. At nang siya'y kanilang makita, ay kanilang sinamba siya. Subalit ang ilan ay nag-alinlangan. Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, "Ang lahat ng awtoridad sa langit at sa ibabaw ng lupa ay ibinigay na sa akin. Kaya't sa paghayo ninyo, gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuan silang sundin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo. At narito, ako'y kasama ninyong palagi, hanggang sa katapusan ng panahon." Ang pasimula ng ebanghelyo ni Jesu-Cristo, ang Anak ng Diyos. Ayon sa nasusulat sa Isaias na propeta, "Narito, ipinapadala ko ang aking sugo sa iyong unahan, na maghahanda ng iyong daan; ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang: 'Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, Tuwirin ninyo ang kanyang mga landas,'" si Juan na Tagapagbautismo ay dumating sa ilang at ipinangangaral ' ang bautismo ng pagsisisi sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. Pumupunta sa kanya ang mga tao mula sa buong lupain ng Judea at ang lahat ng mga taga-Jerusalem; at sila'y binabautismuhan niya sa Ilog Jordan, na nagpapahayag ng kanilang mga kasalanan. Si Juan ay nakadamit ng balahibo ng kamelyo, may sinturong balat sa kanyang baywang, at kumakain ng mga balang at pulot-pukyutan. At siya'y nangangaral, na nagsasabi, "Dumarating na kasunod ko ang higit na makapangyarihan kaysa akin; hindi ako karapat-dapat yumukod at magkalag ng tali ng kanyang mga sandalyas. Binautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit kayo'y babautismuhan niya sa Espiritu Santo." Nang mga araw na iyon ay nanggaling si Jesus sa Nazaret ng Galilea, at siya'y binautismuhan ni Juan sa Jordan. Pagkaahon niya sa tubig, nakita niyang biglang nabuksan ang kalangitan, at ang Espiritu na bumababa sa kanya na tulad sa isang kalapati. At may isang tinig na nagmula sa langit, "Ikaw ang minamahal kong Anak, sa iyo ako lubos na nalulugod." At agad siyang dinala ng Espiritu sa ilang. Siya'y nasa ilang ng apatnapung araw, at tinukso siya ni Satanas. Kasama siya ng mababangis na hayop at pinaglingkuran siya ng mga anghel. Pagkatapos madakip si Juan, pumunta si Jesus sa Galilea na ipinangangaral ang ebanghelyo ng Diyos, na sinasabi, "Naganap na ang panahon at malapit na ang kaharian ng Diyos: kayo'y magsisi at manampalataya sa ebanghelyo." Sa pagdaan ni Jesus sa tabi ng dagat ng Galilea, nakita niya sina Simon at ang kanyang kapatid na si Andres na naghahagis ng lambat sa dagat, sapagkat sila'y mga mangingisda. At sinabi sa kanila ni Jesus, "Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao." Kaagad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya. Nang makalakad pa siya ng kaunti, nakita niya sina Santiago na anak ni Zebedeo at si Juan na kanyang kapatid na naghahayuma ng mga lambat sa kanilang bangka. Agad niyang tinawag sila at iniwan nila si Zebedeo na kanilang ama sa bangka na kasama ng mga upahang tauhan at sumunod sa kanya. Nagpunta sila sa Capernaum. Nang araw ng Sabbath, kaagad siyang pumasok sa sinagoga at nagturo. Namangha sila sa kanyang aral, sapagkat sila'y tinuturuan niyang tulad sa isang may awtoridad at hindi gaya ng mga eskriba. At bigla na lamang sa kanilang sinagoga ay may isang tao na may masamang espiritu; at siya'y sumigaw, na nagsasabi, "Anong pakialam mo sa amin, Jesus ng Nazaret? Naparito ka ba upang kami'y puksain? Alam ko kung sino ka, ang Banal ng Diyos." Sinaway siya ni Jesus, na nagsasabi, "Tumahimik ka, at lumabas ka sa kanya!" Nang kanyang mapangisay siya, ang masamang espiritu ay sumigaw nang malakas na tinig, at lumabas sa tao. Silang lahat ay namangha, at nagtanungan sila sa isa't isa, na sinasabi, "Ano ito? Isang bagong aral! May kapangyarihan siyang mag-utos maging sa masasamang espiritu at siya'y kanilang sinusunod." Agad na kumalat ang balita tungkol sa kanya sa buong palibot ng lupain ng Galilea. Pagkalabas sa sinagoga, pumasok sila sa bahay ni Simon at ni Andres, kasama sina Santiago at Juan. At ang biyenang babae ni Simon ay nakahiga na nilalagnat at agad nilang sinabi kay Jesus ang tungkol sa kanya. Lumapit siya at hinawakan ang babae sa kamay at siya'y ibinangon. Nawala ang kanyang lagnat at siya'y naglingkod sa kanila. Pagsapit ng gabi, pagkalubog ng araw, kanilang dinala sa kanya ang lahat ng mga maysakit at ang mga inaalihan ng mga demonyo. Ang buong lunsod ay nagkatipon sa may pintuan. At nagpagaling siya ng maraming iba't ibang may karamdaman at nagpalayas siya ng maraming demonyo. Hindi niya pinahintulutang magsalita ang mga demonyo, sapagkat siya'y kilala nila. Nang madaling-araw, habang madilim pa, pagbangon ni Jesus ay lumabas siya at nagtungo sa isang ilang na lugar, at doon ay nanalangin. Hinanap siya ni Simon at ng mga kasamahan niya. Siya'y natagpuan nila, at sinabi sa kanya, "Hinahanap ka ng lahat." Sinabi niya sa kanila, "Pumunta tayo sa iba pang mga karatig-bayan upang ako'y makapangaral din naman doon, sapagkat dahil dito ako'y naparito." At nagpunta siya sa buong Galilea na nangangaral sa kanilang mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo. Lumapit sa kanya ang isang ketongin na nakikiusap at nakaluhod na nagsasabi, "Kung gusto mo, maaari mo akong linisin." Dahil sa awa, iniunat ni Jesus ang kanyang kamay, hinipo ang ketongin at sinabi sa kanya, "Gusto ko, maging malinis ka." At kaagad na nawala ang kanyang ketong at siya'y naging malinis. Pagkatapos na mahigpit siyang binalaan, kaagad niya itong pinaalis. Sinabi niya sa kanya, "Tiyakin mong wala kang sasabihin kaninuman kundi pumunta ka at magpakita sa pari at maghandog ka para sa pagkalinis sa iyo ayon sa ipinag-utos ni Moises bilang isang patotoo sa kanila." Ngunit siya'y umalis at nagsimulang magsalita nang malaya tungkol dito at ikinalat ang balita, kaya't hindi na hayagang makapasok si Jesus sa bayan, kundi nanatili siya sa mga ilang na lugar at pinuntahan siya ng mga tao mula sa lahat ng panig. Nang siya'y magbalik sa Capernaum pagkaraan ng ilang araw, kumalat ang balita na siya'y nasa bahay. Maraming nagtipon, kaya't wala nang lugar kahit sa may pintuan. At kanyang ipinangaral sa kanila ang salita. May mga taong dumating na may dala sa kanya na isang lalaking lumpo na buhat ng apat. Nang hindi nila ito mailapit sa kanya dahil sa karamihan ng tao, kanilang tinanggal ang bubungan sa tapat ng kanyang kinaroroonan. Nang kanilang mabutas iyon, ibinaba nila ang higaang kinahihigan ng lumpo. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa lumpo, "Anak, pinatatawad na ang iyong mga kasalanan." May ilan sa mga eskriba na nakaupo roon na nagtatanong sa kanilang mga puso, "Bakit nagsasalita ng ganito ang taong ito? Siya'y lumalapastangan! Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan maliban sa Diyos?" Pagkabatid ni Jesus sa kanyang espiritu na nagtatanong sila ng gayon sa kanilang mga sarili, agad niyang sinabi sa kanila, "Bakit nagtatanong kayo ng ganito sa inyong mga puso? Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa lumpo, 'Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan;' o ang sabihin, Tumayo ka, damputin mo ang iyong higaan, at lumakad ka?' Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may awtoridad sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan"—sinabi niya sa lumpo— "Sinasabi ko sa iyo, tumayo ka, damputin mo ang iyong higaan, at umuwi ka." Tumayo nga siya, agad na dinampot ang higaan at umalis sa harapan nilang lahat. Anupa't namangha silang lahat at niluwalhati nila ang Diyos, na nagsasabi, "Kailanma'y hindi pa tayo nakakita ng ganito!" At si Jesus ay muling lumabas sa tabi ng lawa. Nagtipon sa paligid niya ang napakaraming tao at sila'y kanyang tinuruan. Habang siya'y naglalakad, nakita niya si Levi na anak ni Alfeo na nakaupo sa tanggapan ng buwis at sinabi sa kanya, "Sumunod ka sa akin." Tumayo siya at sumunod sa kanya. At nang siya'y nakaupo sa hapag-kainan sa bahay ni Levi,' maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan ang nakaupong kasalo ni Jesus at ng kanyang mga alagad sapagkat marami silang sumunod sa kanya. Nang makita ng mga eskriba ng mga Fariseo na siya'y kumakaing kasalo ng mga makasalanan at ng mga maniningil ng buwis, sinabi nila sa kanyang mga alagad, "Bakit siya kumakaing kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?" Nang ito'y marinig ni Jesus, sinabi niya sa kanila, "Ang malalakas ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga maysakit. Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan." Noon ay nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga Fariseo. Sila'y lumapit at sinabi sa kanya, "Bakit nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga alagad ng mga Fariseo, ngunit hindi nag-aayuno ang iyong mga alagad?" Sinabi sa kanila ni Jesus, "Maaari bang mag-ayuno ang mga abay sa kasalan, samantalang ang lalaking ikakasal ay kasama pa nila? Habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal, hindi sila maaaring mag-ayuno. Ngunit darating ang mga araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal at kung magkagayo'y mag-aayuno sila sa araw na iyon. Walang nagtatagpi ng matibay na tela sa damit na luma. Kapag gayon, babatakin ng itinagpi, ang bago mula sa luma at lalong lalaki ang punit. Walang naglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlang balat. Kapag gayon, papuputukin ng alak ang mga balat at matatapon ang alak at masisira ang mga sisidlang balat. Sa halip, ang bagong alak ay inilalagay sa mga bagong sisidlang balat." Nang isang Sabbath, nagdaraan siya sa mga bukirin ng trigo, at samantalang sila'y nagdaraan ang kanyang mga alagad ay nagsimulang pumitas ng mga uhay. Sinabi sa kanya ng mga Fariseo, "Tingnan mo, bakit nila ginagawa ang hindi ipinahihintulot sa araw ng Sabbath?" At sinabi niya sa kanila, "Kailanman ba'y hindi ninyo nabasa ang ginawa ni David nang siya at ang kanyang mga kasamahan ay nagutom at nangailangan ng pagkain? Kung paanong pumasok siya sa bahay ng Diyos, noong si Abiatar ang pinakapunong pari at kumain siya ng tinapay ng paghahandog, na hindi ipinahihintulot kainin maliban ng mga pari lamang at binigyan pa niya ang kanyang mga kasamahan?" At sinabi niya sa kanila, "Ang Sabbath ay ginawa para sa tao, at hindi ang tao para sa Sabbath. Kaya't ang Anak ng Tao ay Panginoon maging ng Sabbath." Muli siyang pumasok sa sinagoga at doo'y may isang lalaking paralisado ang isang kamay. Kanilang minamatyagan si Jesus kung kanyang pagagalingin ang lalaki sa araw ng Sabbath upang siya'y maparatangan nila. Sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, "Lumapit ka." At sinabi niya sa kanila, "Ipinahihintulot ba na gumawa ng mabuti sa araw ng Sabbath, o ang gumawa ng masama, magligtas ng buhay, o pumuksa nito?" Ngunit sila'y tahimik. Sila'y tiningnan niya ng may galit. Nalulungkot siya sa katigasan ng kanilang puso at sinabi niya sa lalaki, "Iunat mo ang iyong kamay." Iniunat niya ito at nanumbalik sa dati ang kanyang kamay. Lumabas ang mga Fariseo at agad nakipagsanggunian sa mga Herodiano laban sa kanya kung paanong siya'y mapupuksa nila. At si Jesus ay umalis kasama ng kanyang mga alagad patungo sa lawa. Sumunod ang napakaraming tao mula sa Galilea. Nang kanilang mabalitaan ang lahat ng kanyang ginawa, napakaraming tao ang pumaroon sa kanya mula sa Judea, Jerusalem, Idumea, sa kabilang ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon. At sinabi niya sa kanyang mga alagad na ihanda para sa kanya ang isang bangka dahil sa napakaraming tao, baka siya'y kanilang siksikin. Sapagkat siya'y nagpagaling ng marami, siniksik siya ng lahat ng maysakit upang siya'y mahipo. At tuwing makikita siya ng masasamang espiritu, sila'y nagpapatirapa sa kanyang harapan, at sumisigaw, "Ikaw ang Anak ng Diyos." Mahigpit na iniutos niya sa kanila na siya'y huwag nilang ipahayag. Siya'y umahon sa bundok, at tinawag niya ang kanyang mga naibigan at lumapit sila sa kanya. Humirang siya ng labindalawa na tinawag din niyang mga apostol upang sila'y makasama niya at upang sila'y suguin niyang mangaral, at magkaroon ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo: [Ito ang labindalawang hinirang niya:] si Simon na kanyang pinangalanang Pedro; si Santiago na anak ni Zebedeo, at si Juan na kapatid ni Santiago na tinawag niyang Boanerges, na ang kahulugan ay mga Anak ng Kulog; si Andres, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo, si Simon na Cananeo; at si Judas Iscariote na siyang nagkanulo sa kanya. At pumasok siya sa isang bahay, at muling nagkatipon ang maraming tao, kaya't sila'y hindi man lamang makakain. Nang mabalitaan iyon ng kanyang sambahayan, lumabas sila upang siya'y pigilan sapagkat sinasabi ng mga tao, "Wala siya sa sarili." At sinabi ng mga eskriba na bumaba mula sa Jerusalem, "Nasa kanya si Beelzebul. Sa pamamagitan ng pinuno ng mga demonyo ay nagpapalayas siya ng mga demonyo." Sila'y kanyang pinalapit sa kanya at nagsalita sa kanila sa mga talinghaga, "Paanong mapapalayas ni Satanas si Satanas? Kung ang isang kaharian ay nagkakabaha-bahagi laban sa kanyang sarili, hindi makakatayo ang kahariang iyon. At kung ang isang bahay naman ay nagkakabaha-bahagi laban sa kanyang sarili, hindi makakatayo ang bahay na iyon. Kung maghihimagsik si Satanas laban sa kanyang sarili at magkabaha-bahagi, hindi siya makakatayo, kundi siya'y magwawakas. Ngunit walang makakapasok sa bahay ng malakas na tao upang samsamin ang kanyang mga ari-arian, malibang gapusin muna niya ang malakas na tao; at kung magkagayo'y malolooban niya ang bahay nito. "Katotohanang sinasabi ko sa inyo na patatawarin ang lahat ng mga kasalanan ng anak ng mga tao at anumang paglapastangan na kanilang sabihin. Ngunit sinumang magsalita ng paglapastangan laban sa Espiritu Santo ay walang kapatawaran magpakailanman, kundi nagkakasala ng isang kasalanang walang hanggan," sapagkat sinabi nila, "Siya'y may masamang espiritu." Dumating ang kanyang ina at ang kanyang mga kapatid na lalaki. At nakatayo sila sa labas, nagpasugo sa kanya, at siya'y tinawag. Nakaupo ang maraming tao sa palibot niya at sinabi nila sa kanya, "Nasa labas ang iyong ina at ang iyong mga kapatid, at hinahanap ka." Sumagot siya sa kanila, "Sino ang aking ina at ang aking mga kapatid?" Tiningnan niya ang mga nakaupo sa palibot niya at sinabi, "Narito ang aking ina at ang aking mga kapatid! Sapagkat sinumang gumaganap ng kalooban ng Diyos, ay siyang aking kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ina." Siya'y muling nagpasimulang magturo sa tabi ng dagat. At nagtipon sa palibot niya ang napakaraming tao, kaya't siya'y sumakay sa isang bangkang nasa lawa at naupo roon. Ang lahat ng tao ay nasa dalampasigan. Sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga at sa kanyang pagtuturo ay sinabi niya sa kanila, "Makinig kayo. Ang isang manghahasik ay lumabas upang maghasik. At nangyari, sa kanyang paghahasik, ang ilang binhi ay nahulog sa tabi ng daan at nagdatingan ang mga ibon at kinain ito. Ang iba ay nahulog sa batuhan na doo'y walang maraming lupa. Agad itong sumibol sapagkat hindi malalim ang lupa. Nang sumikat ang araw, nainitan ito at dahil sa walang ugat, ito'y natuyo. Ang iba ay nahulog sa tinikan at lumaki ang mga tinik at sinakal ito, at ito'y hindi namunga. Ang iba ay nahulog sa mabuting lupa at namunga, na tumataas, lumalago at namumunga ng tatlumpu, animnapu, at isandaan." At sinabi niya, "Ang may taingang pandinig ay makinig." Nang siya'y mag-isa na, ang mga nasa palibot niya kasama ang labindalawa ay nagtanong sa kanya tungkol sa mga talinghaga. At sinabi niya sa kanila, "Sa inyo ipinagkaloob ang hiwaga ng kaharian ng Diyos, ngunit sa kanilang nasa labas, ang lahat ng mga bagay ay ginagawa sa mga talinghaga; upang kung sa pagtingin ay hindi sila makakita; at sa pakikinig ay hindi sila makaunawa, baka sila'y magbalik-loob at mapatawad." At sinabi niya sa kanila, "Hindi ba ninyo nalalaman ang talinghagang ito? Paano nga ninyo mauunawaan ang lahat ng mga talinghaga? Ang manghahasik ay naghahasik ng salita. Ito ang mga nasa tabi ng daan na nahasikan ng salita. Nang kanilang mapakinggan ito, agad dumating si Satanas at inagaw ang salitang inihasik sa kanila. Gayundin naman ang mga nahasik sa batuhan, nang marinig nila ang salita, agad nila itong tinanggap na may galak; at hindi ito nagkaugat sa kanilang sarili, kundi panandalian lamang. Kaya't nang dumating ang kapighatian o ang mga pag-uusig dahil sa salita, kaagad silang tumatalikod." Ang iba'y nahasik sa tinikan. Ang mga ito ang nakinig ng salita, ngunit ang mga alalahanin ng sanlibutan, ang pang-akit ng mga kayamanan, at ang mga pagnanasa sa ibang bagay ay pumasok at sinakal ang salita at ito'y hindi nakapamunga. Ang mga ito ang nahasik sa mabuting lupa: narinig nila ang salita, tinanggap ito at namumunga ng tatlumpu, animnapu at isandaan." At sinabi niya sa kanila, "Inilalabas ba ang ilawan upang ilagay sa ilalim ng takalan, o sa ilalim ng higaan, at hindi sa talagang lalagyan ng ilawan? Sapagkat walang bagay na nakatago na hindi ihahayag; o walang nalilihim na hindi ilalantad sa liwanag. Kung ang sinuman ay may taingang ipandirinig, hayaan siyang makinig." At sinabi niya sa kanila, "Pag-ingatan ninyo kung ano ang inyong pinapakinggan: sa panukat na inyong isinusukat, kayo'y susukatin; at higit pa ang sa inyo'y ibibigay. Sapagkat ang mayroon ay lalo pang bibigyan; at ang wala, pati na ang nasa kanya ay kukunin pa." Sinabi niya, "Ang kaharian ng Diyos ay gaya ng isang taong naghahasik ng binhi sa lupa, at natutulog at bumabangon siya sa gabi at araw. Sumisibol at lumalaki ang binhi na hindi niya nalalaman kung paano. Ang lupa mismo ang nagpapasibol sa halaman,ng una ang usbong, saka ang uhay, pagkatapos ay ang uhay na hitik sa butil. Ngunit kapag hinog na ang bunga, agad niyang kinukuha ang karit, sapagkat dumating na ang pag-aani." Kanyang sinabi, "Sa ano natin maihahambing ang kaharian ng Diyos; o anong talinghaga ang gagamitin natin para dito? Ito'y tulad sa butil ng binhi ng mustasa na kapag naihasik sa lupa, bagama't siyang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi na nasa lupa, ngunit kapag ito'y naihasik ay tumutubo, nagiging mas malaki kaysa lahat ng mga halaman, at nagsasanga ng malalaki, anupa't ang mga ibon sa himpapawid ay nakakagawa ng mga pugad sa lilim nito." Sa pamamagitan ng gayong maraming talinghaga, sinabi niya sa kanila ang salita, ayon sa kakayahan nilang makinig. At hindi siya nagsalita sa kanila maliban sa talinghaga ngunit sa kanyang sariling mga alagad ay sarilinan niyang ipinapaliwanag ang lahat ng mga bagay. Nang araw ding iyon, nang sumapit na ang gabi ay sinabi niya sa kanila, "Tumawid tayo sa kabilang ibayo." Pagkaiwan sa maraming tao, siya'y kanilang isinama sa bangka, ayon sa kanyang kalagayan. At may iba pang mga bangka na kasama niya. At nagkaroon ng isang malakas na unos, sumalpok ang mga alon sa bangka, anupa't ang bangka ay halos napupuno na ng tubig. Ngunit siya'y nasa hulihan ng bangka at natutulog na may inuunan. Siya'y ginising nila, at sinabi sa kanya, "Guro, hindi ka ba nababahala na mapapahamak tayo?" Paggising niya ay sinaway niya ang hangin at sinabi sa dagat, "Pumayapa ka. Tumahimik ka!" Tumigil nga ang hangin at nagkaroon ng katahimikan. Sinabi niya sa kanila, "Bakit kayo natakot? Wala ba kayong pananampalataya?" Sila'y sinidlan ng malaking takot at sinabi sa isa't isa, "Sino nga ito, na pati ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kanya?" Dumating sila sa kabilang ibayo ng dagat, sa lupain ng mga Geraseno. Nang bumaba siya sa bangka, isang lalaki na may masamang espiritu ang agad na sumalubong sa kanya mula sa mga libingan. Siya'y naninirahan sa mga libingan at wala nang makapigil sa kanya kahit na may tanikala. Sapagkat madalas na siya'y ginagapos ng mga kadena at mga tanikala ngunit nilalagot niya ang mga tanikala, at pinagpuputul-putol ang mga kadena. Walang taong may lakas na makasupil sa kanya. Sa gabi't araw ay palagi siyang nagsisisigaw sa mga libingan at sa mga kabundukan, at sinusugatan ang sarili ng mga bato. Nang matanaw niya si Jesus sa malayo, tumakbo siya at si Jesus ay kanyang sinamba. Siya'y sumigaw ng may malakas na tinig, "Ano ang pakialam mo sa akin, Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Ipinapakiusap ko sa iyo, alang-alang sa Diyos, na huwag mo akong pahirapan." Sapagkat sinabi niya sa kanya, "Lumabas ka sa taong iyan, ikaw na masamang espiritu." At tinanong siya ni Jesus, "Ano ang pangalan mo?" Sumagot siya, "Lehiyon ang pangalan ko sapagkat marami kami." Nagmakaawa siya sa kanya na huwag silang palayasin sa lupain. Noon ay may isang malaking kawan ng mga baboy na nanginginain sa libis ng bundok. Nakiusap sila sa kanya, "Papuntahin mo kami sa mga baboy upang kami ay makapasok sa kanila." At sila'y kanyang pinahintulutan. Ang mga masamang espiritu ay lumabas at pumasok sa mga baboy. Ang kawan na may bilang na mga dalawang libo ay bumulusok sa matarik na bangin patungong dagat at nalunod sila sa dagat. Ang mga nagpapakain sa kanila ay tumakas at ibinalita sa lunsod at sa mga nayon. Kaya't nagdatingan ang mga tao upang tingnan kung ano ang nangyari. Lumapit sila kay Jesus at nakita nila ang inalihan ng mga demonyo na nakaupo roon na may damit at matino ang pag-iisip, ang taong nagkaroon ng isang lehiyon, at sila'y natakot. At sinabi sa kanila ng mga nakakita rito kung anong nangyari sa inalihan ng mga demonyo at sa mga baboy. Sila'y nagpasimulang makiusap kay Jesus na lisanin ang pook nila. Nang sumasakay na siya sa bangka, ang lalaking inalihan ng mga demonyo ay nakiusap na siya'y isama niya. Ngunit tumanggi siya at sinabi sa kanya, "Umuwi ka sa iyong mga kaibigan at ibalita mo sa kanila ang lahat ng ginawa ng Panginoon para sa iyo at kung paanong kinaawaan ka niya." At ang lalaki ay lumisan at nagpasimulang ipahayag sa Decapolis ang lahat ng ginawa ni Jesus para sa kanya; at namangha ang lahat. Nang si Jesus ay muling tumawid sakay ng bangka sa kabilang ibayo, nagtipon sa palibot niya ang napakaraming tao; at siya'y nasa tabi ng dagat. Pagkatapos ay dumating ang isa sa mga pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo. Pagkakita sa kanya, nagpatirapa siya sa kanyang paanan, at nagsumamo sa kanya, na sinasabi, "Ang aking munting anak na babae ay naghihingalo. Pumaroon ka at ipatong mo ang iyong mga kamay sa kanya upang siya'y gumaling at mabuhay." Siya'y sumama sa kanya. Sinundan siya ng napakaraming tao at siya'y siniksik nila. May isang babae na labindalawang taon nang dinudugo, at lubhang naghirap na sa maraming manggagamot. Nagugol na niya ang lahat ng nasa kanya at hindi siya gumaling ni kaunti man, kundi lalo pang lumubha. Narinig niya ang tungkol kay Jesus, lumapit siya sa karamihan sa likuran niya, at hinipo ang kanyang damit. Sapagkat sinasabi niya, "Kung mahipo ko man lamang ang kanyang damit ay gagaling na ako." Kaagad napigil ang kanyang pagdurugo, at kanyang naramdaman sa kanyang katawan na magaling na siya sa malubha niyang sakit. Pagkabatid na may lumabas na kapangyarihan mula sa kanya, bumaling si Jesus sa karamihan at nagsabi, "Sino ang humipo sa aking damit?" Sinabi sa kanya ng kanyang mga alagad, "Nakikita mong sinisiksik ka ng karamihan, at sinasabi mo pang 'Sino ang humipo sa akin?' " Tumingin siya sa buong paligid upang makita kung sino ang gumawa niyon. Ngunit ang babae palibhasa'y nalalaman ang nangyari sa kanya ay lumapit na natatakot at nanginginig, nagpatirapa sa harap niya, at sinabi sa kanya ang buong katotohanan. At sinabi ni Jesus sa kanya, "Anak, pinagaling ka ng pananampalataya mo; umalis kang payapa, at gumaling ka sa sakit mo." Samantalang nagsasalita pa siya, may mga taong dumating na galing sa bahay ng pinuno ng sinagoga, na nagsasabi, "Namatay na ang anak mong babae. Bakit mo pa inaabala ang Guro?" Ngunit hindi pinansin ni Jesus ang sinabi, at sinabi niya sa pinuno ng sinagoga, "Huwag kang matakot; manampalataya ka lamang." At hindi niya ipinahintulot na may sumunod sa kanya, maliban kina Pedro, Santiago, at Juan na kapatid ni Santiago. Nang makarating sila sa bahay ng pinuno ng sinagoga, nakita niya ang pagkakagulo, ang mga pagtangis at malakas na iyakan. Pagkapasok niya ay kanyang sinabi sa kanila, "Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata, kundi natutulog lamang." Siya'y kanilang pinagtawanan, ngunit pinalabas niya ang lahat at isinama niya ang ama at ang ina ng bata at ang kanyang mga kasamahan. Pumasok sila sa kinaroroonan ng bata. Hinawakan niya ang kamay ng bata at sinabi sa kanya, "Talitha cum," na ang kahulugan ay "Munting batang babae, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka!" Kaagad bumangon ang batang babae at nagpalakad-lakad (siya'y may labindalawang taon na). Kaagad silang namangha ng ganoon na lamang. Mahigpit niyang ipinag-utos sa kanila na walang dapat makaalam nito; at sinabi niya sa kanila na ang bata ay bigyan ng makakain. Umalis siya roon at pumunta sa kanyang sariling bayan at sumunod sa kanya ang kanyang mga alagad. Nang sumapit ang Sabbath, nagpasimula siyang magturo sa sinagoga at marami sa mga nakinig sa kanya ay namangha na sinasabi, "Saan kinuha ng taong ito ang lahat ng ito? Anong karunungan ito na ibinigay sa kanya? Anong mga makapangyarihang gawa ang ginagawa ng kanyang mga kamay! Hindi ba ito ang karpintero, ang anak ni Maria at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Hindi ba naritong kasama natin ang kanyang mga kapatid na babae?" At sila'y natisod sa kanya. Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, "Ang propeta ay hindi nawawalan ng karangalan, maliban sa kanyang sariling bayan, sa kanyang sariling mga kamag-anak, at sa kanyang sariling bahay." Hindi siya nakagawa roon ng anumang makapangyarihang gawa, maliban sa ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa ilang mga maysakit at pinagaling sila. Nanggilalas siya sa kanilang hindi pagsampalataya. Siya'y lumibot na nagtuturo sa mga nayong nasa paligid. Tinawag niya ang labindalawa, at pinasimulang isugo sila na dala-dalawa. Sila'y binigyan niyang kapangyarihan laban sa mga masasamang espiritu. At ipinagbilin niya sa kanila na huwag silang magdadala ng anuman sa kanilang paglalakbay maliban sa isang tungkod; walang tinapay, walang balutan, walang salapi sa kanilang mga pamigkis, kundi magsusuot ng sandalyas at hindi magsusuot ng dalawang tunika. Sinabi niya sa kanila, "Saanmang bahay kayo pumasok, manatili kayo roon hanggang sa umalis kayo roon. Kung mayroong lugar na hindi kayo tanggapin at ayaw kayong pakinggan, sa pag-alis ninyo ay ipagpag ninyo ang alikabok na nasa inyong mga paa bilang patotoo laban sa kanila." Kaya't sila'y humayo at ipinangaral na ang mga tao ay dapat magsisi. Nagpalayas sila ng maraming demonyo, pinahiran ng langis ang maraming maysakit at pinagaling sila. Nabalitaan ito ni Haring Herodes, sapagkat ang pangalan ni Jesus ay naging tanyag. Sinasabi ng iba, ‘Si Juan na Tagapagbautismo ay muling nabuhay mula sa mga patay at dahil dito, gumagawa ang mga kapangyarihang ito sa kanya.’ Ngunit sinasabi ng iba, "Siya'y si Elias." At sinasabi naman ng iba, 'Siya'y propeta, na tulad ng isa sa mga propeta noong una." Ngunit nang marinig ito ni Herodes ay sinabi niya, "Si Juan na aking pinugutan ng ulo ay muling nabuhay." Sapagkat si Herodes mismo ang nagsugo sa mga kawal na dumakip kay Juan, at nagpagapos sa kanya sa bilangguan dahil kay Herodias, na asawa ni Felipe na kanyang kapatid; sapagkat pinakasalan siya ni Herodes. Sapagkat sinasabi ni Juan kay Herodes, "Hindi ipinahihintulot sa iyo na angkinin mo ang asawa ng iyong kapatid." Kaya't si Herodias ay nagtanim ng galit sa kanya at hinangad siyang patayin ngunit hindi niya magawa, sapagkat natatakot si Herodes kay Juan. Nalalaman niyang si Juan ay isang lalaking matuwid at banal at siya'y ipinagtanggol niya. Nang kanyang mapakinggan siya, labis siyang nabagabag gayunma'y masaya siyang nakinig sa kanya. Ngunit dumating ang isang pagkakataon na si Herodes sa kanyang kaarawan ay nagbigay ng isang salu-salo para sa kanyang mga mahistrado, mga pinuno ng hukbo at mga pangunahing tao sa Galilea. Nang pumasok ang anak na babae ni Herodias at sumayaw, siya'y nagustuhan ni Herodes at ng kanyang mga panauhin. Sinabi ng hari sa dalaga, "Hingin mo sa akin ang maibigan mo at ibibigay ko sa iyo." At sumumpa siya sa kanya, "Ang anumang hingin mo sa akin ay ibibigay ko sa iyo, kahit na ang kalahati ng aking kaharian." Lumabas siya at sinabi sa kanyang ina, "Ano ang aking hihingin?" At sinabi niya, "Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo." At nagmamadali siyang pumasok sa kinaroroonan ng hari at humiling na sinasabi, "Ibig kong ibigay mo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo na nasa isang pinggan." At lubhang nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang pangako at sa kanyang mga panauhin, ayaw niyang tumanggi sa kanya. Agad na isinugo ng hari ang isang kawal na bantay at ipinag-utos na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Umalis nga ang kawal at pinugutan niya ng ulo si Juan sa bilangguan. At dinala ang ulo ni Juan na nasa isang pinggan at ibinigay ito sa dalaga at ibinigay naman ito ng dalaga sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng kanyang mga alagad, pumaroon sila at kinuha ang kanyang bangkay at inilagay sa isang libingan. Ang mga apostol ay nagtipon sa harap ni Jesus at ibinalita nila sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro. At sinabi niya sa kanila, "Pumunta kayo ng bukod sa isang dakong ilang at magpahinga kayo nang sandali." Sapagkat marami ang nagpaparoo't parito at sila'y hindi man lamang nagkaroon ng panahong kumain. Umalis nga silang bukod, sakay ng isang bangka patungo sa isang dakong ilang. Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at sila'y nakilala. Kaya't tumakbo sila mula sa lahat ng mga bayan at nauna pang dumating sa kanila. Pagbaba niya sa pampang nakita niya ang napakaraming tao at nahabag siya sa kanila, sapagkat sila'y tulad sa mga tupa na walang pastol. At sila'y sinimulan niyang turuan ng maraming bagay. Nang gumagabi na, lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad at nagsabi, "Ito ay isang ilang na dako at gumagabi na. Paalisin mo na sila upang makapunta sa mga bukid at mga nayon sa paligid at makabili sila ng anumang makakain." Ngunit sumagot siya sa kanila, "Bigyan ninyo sila ng makakain." At sinabi nila sa kanya, "Aalis ba kami upang bumili ng dalawang daang denariong tinapay at ipapakain namin sa kanila?" At sinabi niya sa kanila, "Ilang tinapay mayroon kayo? Humayo kayo at inyong tingnan." Nang malaman nila ay kanilang sinabi, "Lima, at dalawang isda." Pagkatapos ay iniutos niya sa kanila na paupuin silang lahat nang pangkat-pangkat sa luntiang damo. Kaya't umupo sila nang pangkat-pangkat, nang tig-iisandaan at tiglilimampu. Kinuha niya ang limang tinapay at ang dalawang isda, tumingala siya sa langit, pinagpala at pinagputul-putol ang mga tinapay at ibinigay niya sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. At ipinamahagi niya sa kanilang lahat ang dalawang isda. Kumain silang lahat at nabusog. Kanilang pinulot ang labindalawang kaing na puno ng pira-pirasong tinapay at mga isda. Ang mga kumain ng mga tinapay ay limang libong lalaki. Agad niyang pinasakay sa bangka ang kanyang mga alagad at pinauna sa kanya sa kabilang ibayo, sa Bethsaida, hanggang sa mapauwi na niya ang maraming tao. Pagkatapos na makapagpaalam siya sa kanila, umakyat siya sa bundok upang manalangin. Nang sumapit ang gabi, ang bangka ay nasa gitna ng dagat at siya'y nag-iisa sa lupa. Pagkakita sa kanila na sila'y nahihirapan sa pagsagwan, sapagkat salungat sa kanila ang hangin, nang malapit na ang madaling araw, lumapit siya sa kanila na lumalakad sa ibabaw ng dagat. Balak niyang lampasan sila, ngunit nang makita nilang siya'y lumalakad sa ibabaw ng dagat, inakala nilang iyon ay isang multo at sila'y sumigaw; sapagkat siya ay nakita nilang lahat at sila'y nasindak. Ngunit agad siyang nagsalita sa kanila at sinabi, "Lakasan ninyo ang inyong loob. Ako ito; huwag kayong matakot." Sumakay siya sa bangka kasama nila at tumigil ang hangin. At sila'y lubhang nanggilalas, sapagkat hindi nila nauunawaan ang tungkol sa mga tinapay, kundi tumigas ang kanilang mga puso. Nang makatawid na sila, narating nila ang lupain ng Genesaret at dumaong doon. At nang bumaba sila sa bangka, agad siyang nakilala ng mga tao. Tumakbo sila sa palibot ng buong lupaing iyon at pinasimulan nilang dalhin ang mga maysakit na nasa kanilang higaan, saanman nila mabalitaan na naroon siya. At saanman siya pumasok sa mga nayon, o sa mga lunsod o bukid inilalagay nila sa mga pamilihan ang mga maysakit, at pinapakiusapan siya na ipahipo man lamang sa kanila ang laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng humipo nito ay pawang gumaling. Nang sama-samang lumapit sa kanya ang mga Fariseo at ang ilan sa mga eskriba na nanggaling sa Jerusalem, kanilang nakita ang ilan sa kanyang alagad na kumakain ng tinapay na marurumi ang mga kamay, samakatuwid ay hindi hinugasan. (Sapagkat ang mga Fariseo at ang lahat ng mga Judio ay hindi kumakain malibang makapaghugas na mabuti ng mga kamay, na sinusunod ang tradisyon ng matatanda. Kapag nanggaling sila sa palengke, hindi sila kumakain malibang nalinis nila ang kanilang mga sarili. At marami pang ibang bagay ang kanilang sinusunod gaya ng mga paghuhugas ng mga tasa, mga pitsel, at mga lalagyang tanso.) Kaya't siya'y tinanong ng mga Fariseo at mga eskriba, "Bakit ang iyong mga alagad ay hindi lumalakad ayon sa tradisyon ng matatanda, kundi kumakain ng tinapay na marurumi ang mga kamay?" At sinabi niya sa kanila, "Tama ang pahayag ni Isaias tungkol sa inyo na mga mapagkunwari, ayon sa nasusulat, 'Iginagalang ako ng bayang ito ng kanilang mga labi, subalit ang kanilang puso ay malayo sa akin. At walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, na itinuturo bilang aral ang mga utos ng mga tao!' Iniwan ninyo ang utos ng Diyos at inyong pinanghahawakan ang tradisyon ng mga tao." Sinabi pa niya sa kanila, "Maganda ang paraan ng inyong pagtanggi sa utos ng Diyos, upang masunod ang inyong mga tradisyon. Sapagkat sinabi ni Moises, 'Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina,' at 'Ang sinumang lumait sa ama o sa ina ay dapat patayin!' Ngunit sinasabi ninyo na kung sabihin ng isang tao sa kanyang ama o ina, 'Ang anumang tulong na mapapakinabang ninyo sa akin ay Corban, na nangangahulugang handog,' at pagkatapos ay hindi na ninyo siya pinahihintulutang gumawa ng anuman para sa kanyang ama o ina, kaya't pinawawalang kabuluhan ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng tradisyon na inyong ipinamana at marami pa kayong ginagawang mga bagay na katulad nito. Muli niyang pinalapit ang maraming tao at sinabi sa kanila, "Makinig kayong lahat sa akin at inyong unawain. Walang anumang nasa labas ng tao na pagpasok sa kanya ay nakapagpaparumi sa kanya kundi ang mga bagay na lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa tao." [Kung ang sinuman ay may pandinig na ipandirinig ay makinig.] Nang iwan niya ang maraming tao at pumasok siya sa bahay, tinanong siya ng kanyang mga alagad tungkol sa talinghaga. Sinabi niya sa kanila, "Kayo rin ba ay hindi nakakaunawa? Hindi ba ninyo nalalaman, na anumang nasa labas na pumapasok sa tao ay hindi nakapagpaparumi sa kanya, sapagkat hindi ito pumapasok sa kanyang puso kundi sa tiyan, at ito'y inilalabas sa tapunan ng dumi? Sa ganito'y nililinis niya ang lahat ng pagkain." Sinabi pa niya, "Ang lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa tao. Sapagkat mula sa loob, mula sa puso ng tao, lumalabas ang masasamang pag-iisip, pakikiapid, pagnanakaw, pagpaslang, ang pangangalunya, kasakiman, kasamaan, pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, kapalaluan, at kahangalan. Ang lahat ng masasamang bagay na ito ay sa loob nagmumula at nakapagpaparumi sa tao." Mula roon, tumindig siya at nagtungo sa lupain ng Tiro. Tumuloy siya sa isang bahay at ayaw niyang malaman ng sinuman na nandoon siya. Ngunit hindi nagawang di siya mapansin. Sa halip, may isang babae na ang munting anak na batang babae na may masamang espiritu, na nakabalita tungkol sa kanya ay agad na lumapit at nagpatirapa sa kanyang paanan. Ang babaing ito ay isang Griyego, isang Sirofenisa, ayon sa lahi. Nakiusap siya kay Jesus na palayasin ang demonyo sa kanyang anak na babae. At sinabi niya sa kanya, "Hayaan mo munang mapakain ang mga anak sapagkat hindi marapat na kunin ang tinapay ng mga anak at ihagis ito sa mga aso." Ngunit siya'y sumagot at sinabi sa kanya, "Panginoon, kahit na ang mga aso sa ilalim ng hapag ay kumakain ng mga nalaglag na pagkain ng mga anak." Sinabi naman ni Jesus sa kanya, "Dahil sa salitang iyan, makakaalis ka na, lumabas na ang demonyo sa iyong anak." Umuwi nga siya at nadatnan ang anak na nakahiga sa higaan at wala na ang demonyo. Pagkatapos, siya'y bumalik mula sa lupain ng Tiro at dumaan sa Sidon patungo sa lawa ng Galilea, na tinahak ang lupain ng Decapolis. Dinala nila sa kanya ang isang bingi at may kapansanan sa pagsasalita, at siya'y pinakiusapan nila na ipatong ang kanyang kamay sa kanya. At siya'y inilayo niya ng bukod mula sa maraming tao at isinuot ang kanyang mga daliri sa kanyang mga tainga. Siya'y dumura at hinipo ang kanyang dila. Pagtingala niya sa langit, siya'y nagbuntong hininga, at sinabi sa kanya, "Effata," na nangangahulugang "Mabuksan." Agad nabuksan ang kanyang mga tainga, nakalag ang tali ng kanyang dila, at siya'y nakapagsalita nang malinaw. Inutusan naman sila ni Jesus na huwag nilang sabihin ito kaninuman; ngunit habang lalo niyang ipinagbabawal sa kanila, lalo namang masigasig nilang ipinamamalita ito. Sila'y labis na namangha na nagsasabi, "Mabuti ang pagkagawa niya sa lahat ng mga bagay; kanya pang ginagawang makarinig ang bingi at pinapagsasalita ang pipi." Nang mga araw na iyon, nang magkaroong muli ng napakaraming tao na walang makain, tinawag niya ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, "Nahahabag ako sa maraming tao sapagkat tatlong araw ko na silang kasama at walang makain. Kung sila'y pauuwiin kong nagugutom sa kanilang mga bahay, mahihilo sila sa daan at ang iba sa kanila ay nanggaling pa sa malayo." Sumagot ang kanyang mga alagad, "Paanong mapapakain ninuman ang mga taong ito ng tinapay dito sa ilang?" At sila'y tinanong niya, "Ilang tinapay mayroon kayo?" Sinabi nila, "Pito." Inutusan niya ang maraming tao na umupo sa lupa. Kinuha niya ang pitong tinapay at pagkatapos magpasalamat, pinagputul-putol niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ihain. At inihain nila ang mga ito sa maraming tao. Mayroon din silang ilang maliliit na isda at nang mabasbasan ang mga ito, sinabi niya na ihain din ang mga ito. Sila'y kumain at nabusog. At may lumabis na mga piraso, pitong kaing na puno. Sila'y may mga apat na libo; at kanyang pinaalis na sila. At agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kanyang mga alagad at pumunta siya sa lupain ng Dalmanuta. Dumating ang mga Fariseo at nagsimulang makipagtalo sa kanya na hinahanapan siya ng isang tanda mula sa langit, upang subukin siya. At nagbuntong-hininga siya nang malalim sa kanyang espiritu at sinabi, "Bakit humahanap ng tanda ang salinlahing ito? Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, walang tanda na ibibigay sa salinlahing ito." Sila'y iniwan niya at sa muling pagsakay sa bangka, tumawid siya sa kabilang ibayo. Noon ay nakalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay maliban sa iisang tinapay na nasa bangka. Kanyang binalaan sila na sinabi, "Mag-ingat kayo, iwasan ninyo ang lebadura ng mga Fariseo at ang lebadura ni Herodes." At sinabi nila sa isa't isa, "Ito ay sapagkat wala tayong tinapay." Yamang batid ito ni Jesus, ay sinabi sa kanila, "Bakit ninyo pinag-uusapan na wala kayong tinapay? Hindi pa ba ninyo nalalaman ni nauunawaan man? Tumigas na ba ang inyong mga puso? Mayroon kayong mga mata, ngunit hindi nakakakita? Mayroon kayong mga tainga, ngunit hindi nakakarinig? Hindi ba ninyo natatandaan? Nang aking pagputul-putulin ang limang tinapay para sa limang libo, ilang kaing na puno ng mga pinagputul-putol ang inyong pinulot?" Sinabi nila sa kanya, "Labindalawa." "Nang pagputul-putulin ang pitong tinapay para sa apat na libo, ilang kaing na puno ng mga pinagputul-putol ang pinulot ninyo?" Sinabi nila sa kanya, "Pito." Sinabi naman niya sa kanila, "Hindi pa ba ninyo nauunawaan?" Dumating sila sa Bethsaida. At dinala nila sa kanya ang isang lalaking bulag at ipinakiusap sa kanyang hipuin siya. Hinawakan niya sa kamay ang lalaking bulag at dinala niya sa labas ng nayon. Nang maduraan ang kanyang mga mata at maipatong ang kanyang mga kamay sa kanya, kanyang tinanong siya, "May nakikita ka bang anuman?" Tumingala ang lalaki at nagsabi, "Nakakakita ako ng mga tao, na parang mga punungkahoy na naglalakad." Saka ipinatong na muli sa kanyang mga mata ang kanyang mga kamay; siya'y tumitig at bumalik ang kanyang paningin. Nakita niya ang lahat ng bagay na maliwanag. At pinauwi niya siya sa kanyang bahay na sinasabi, "Huwag kang pumasok kahit sa nayon." Nagtungo si Jesus at ang kanyang mga alagad sa mga nayon ng Cesarea sa Filipos at sa daan ay tinanong niya ang kanyang mga alagad, "Sino raw ako ayon sa sinasabi ng mga tao?" At sinabi nila sa kanya, "Si Juan na Tagapagbautismo; at sabi ng iba, si Elias; at ng iba pa, isa sa mga propeta." At tinanong niya sila, "Ngunit, sino ako ayon sa sinasabi ninyo?" Sumagot si Pedro at sinabi sa kanya, "Ikaw ang Cristo." Mahigpit na iniutos niya sa kanila na huwag nilang sasabihin kaninuman ang tungkol sa kanya. Pagkatapos ay pinasimulan niyang ituro sa kanila na ang Anak ng Tao ay kinakailangang magdusa ng maraming bagay at itakuwil ng matatanda, ng mga punong pari, at ng mga eskriba, at patayin at pagkaraan ng tatlong araw ay muling mabubuhay. At maliwanag na sinabi niya ang salitang ito. Inilayo siya ni Pedro at pinasimulang siya'y sawayin. Subalit paglingon niya at pagtingin sa kanyang mga alagad, sinaway niya si Pedro at sinabi, "Umalis ka diyan Satanas! Sapagkat hindi mo iniisip ang mga bagay na ukol sa Diyos, kundi ang mga bagay na ukol sa tao." Tinawag niya ang maraming tao pati ang kanyang mga alagad, at sa kanila'y sinabi, "Kung ang sinuman ay nagnanais sumunod sa akin, siya ay tumanggi sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. Sapagkat ang sinumang nagnanais iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito at ang sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin at sa ebanghelyo ay maililigtas iyon. Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao na makamtan ang buong sanlibutan, at mapahamak ang kanyang buhay? Sapagkat anong maibibigay ng tao na kapalit ng kanyang buhay? Sapagkat ang sinumang ikinahihiya ako at ang aking mga salita sa mapangalunya at makasalanang salinlahing ito ay ikahihiya rin naman siya ng Anak ng Tao, pagdating niyang nasa kaluwalhatian ng kanyang Ama na kasama ng mga banal na anghel." Sinabi niya sa kanila, "Katotohanang sinasabi ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito na hindi makakatikim ng kamatayan, hanggang sa makita nila ang kaharian ng Diyos na dumarating na may ka pangyarihan." Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro, Santiago at Juan, at dinala silang bukod sa isang mataas na bundok. Siya'y nagbagong-anyo sa harap nila; at ang kanyang damit ay naging nagniningning na puti na walang sinuman sa lupa na makapagpapaputi ng gayon. At doo'y nagpakita sa kanila si Elias na kasama si Moises at sila'y nakikipag-usap kay Jesus. Sinabi ni Pedro kay Jesus, "Rabi, mabuti sa atin ang dumito. Hayaan ninyong gumawa kami ng tatlong kubol; isa sa iyo, isa kay Moises, at isa kay Elias." Sapagkat hindi niya alam kung ano ang sasabihin dahil sila'y lubhang natakot. Pagkatapos, nililiman sila ng isang ulap at may isang tinig na nanggaling sa ulap, "Ito ang aking Anak, ang Minamahal; siya ang inyong pakinggan!" Nang bigla silang tumingin sa paligid, wala silang nakitang sinumang kasama nila maliban kay Jesus lamang. Habang bumababa sila sa bundok, iniutos niya sa kanila na huwag sabihin kaninuman ang kanilang nakita, hanggang sa ang Anak ng Tao ay magbangon mula sa mga patay. Kaya't kanilang iningatan ang pananalitang ito sa kanilang sarili, na pinag-uusapan kung ano ang kahulugan ng pagbangon mula sa mga patay. At tinanong nila siya, "Bakit sinasabi ng mga eskriba na kinakailangang dumating muna si Elias?" Sinabi niya sa kanila, "Tunay na si Elias ay unang dumarating at nagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay. At paanong nasusulat ang tungkol sa Anak ng Tao na siya'y magdurusa ng maraming bagay at itatakuwil? Ngunit sinasabi ko sa inyo, tunay na dumating na si Elias at ginawa nila sa kanya ang anumang kanilang naibigan ayon sa nasusulat tungkol sa kanya." Nang dumating sila sa mga alagad, nakita nilang napakaraming tao sa kanilang paligid at ang mga eskriba na nakikipagtalo sa kanila. Nang makita siya ng maraming tao, agad silang namangha at tumakbo upang batiin siya. Sila'y kanyang tinanong, "Ano ang ipinakikipagtalo ninyo sa kanila?" At isa sa maraming tao ay sumagot sa kanya, "Guro, dinala ko sa iyo ang aking anak na lalaki na may isang piping espiritu. Tuwing siya'y aalihan nito, ibinubuwal siya, nagbububula ang kanyang bibig, nagngangalit ang kanyang mga ngipin at siya'y naninigas. Sinabi ko sa iyong mga alagad na palayasin iyon ngunit hindi nila magawa." Sumagot siya at sinabi sa kanila, "Kayong lahing walang pananampalataya, hanggang kailan pa ako makikisama sa inyo? Hanggang kailan pa ako magtitiis sa inyo? Dalhin ninyo siya sa akin." At dinala nila ang batang lalaki sa kanya. Nang makita siya ng espiritu, agad nitong pinangisay ang bata at siya'y nalugmok sa lupa, at nagpagulung-gulong na bumubula ang bibig. Tinanong ni Jesus ang ama, "Gaano katagal nang nangyayari ito sa kanya?" Sinabi niya, "Mula pa sa pagkabata. Madalas na siya'y inihahagis nito sa apoy at sa tubig upang siya'y puksain, ngunit kung mayroon kang bagay na magagawa, maawa ka sa amin at tulungan mo kami." Sinabi sa kanya ni Jesus, "Kung kaya mo! Ang lahat ng bagay ay maaaring mangyari sa kanya na nananampalataya." Agad sumigaw ang ama ng bata na sinasabi, "Nananampalataya ako; tulungan mo ang kawalan ko ng pananampalataya!" At nang makita ni Jesus na dumarating na sama-samang tumatakbo ang maraming tao, sinaway niya ang masamang espiritu, na sinasabi, "Ikaw na pipi at binging espiritu, iniuutos ko sa iyo, lumabas ka sa kanya at huwag ka nang papasok muli sa kanya." Pagkatapos magsisigaw at lubhang pangisayin ang bata, lumabas ito at ang bata'y naging anyong patay, kaya't marami ang nagsabing siya'y patay na. Ngunit hinawakan siya ni Jesus sa kamay, at siya'y ibinangon at nagawa niyang tumayo. Nang pumasok siya sa bahay, palihim na tinanong siya ng kanyang mga alagad, "Bakit hindi namin iyon napalayas?" Sinabi niya sa kanila, "Ang ganitong uri ay napapalayas lamang sa pamamagitan ng panalangin." Umalis sila roon at nagdaan sa Galilea at ayaw niyang malaman ito ng sinuman. Sapagkat tinuturuan niya ang kanyang mga alagad na sa kanila'y sinasabi, "Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga kamay ng tao at siya'y papatayin nila. Tatlong araw matapos siyang patayin, siya'y muling mabubuhay." Ngunit hindi nila naunawaan ang kanyang sinabi at natakot silang magtanong sa kanya. Nakarating sila sa Capernaum at nang siya'y nasa bahay na ay tinanong niya sila, "Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?" Ngunit sila'y tumahimik, sapagkat sa daan ay pinagtatalunan nila kung sino ang pinakadakila. Siya'y umupo, tinawag ang labindalawa at sa kanila'y sinabi, "Kung sinuman ang nagnanais na maging una, siya'y dapat maging huli sa lahat at lingkod ng lahat." Kinuha niya ang isang maliit na bata at inilagay sa gitna nila. Siya'y kanyang kinalong at sa kanila'y sinabi, "Ang sinumang tumatanggap sa isa sa mga ganitong bata sa aking pangalan, ako ang tinatanggap at ang sinumang tumatanggap sa akin ay hindi ako ang tinatanggap, kundi ang nagsugo sa akin." Sinabi sa kanya ni Juan, "Guro, nakita namin ang isang tao na nagpapalayas ng mga demonyo sa pangalan mo at pinagbawalan namin siya, sapagkat hindi siya sumusunod sa atin." Ngunit sinabi ni Jesus, "Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat walang taong gumagawa ng makapangyarihang gawa sa pangalan ko ang agad na makapagsasalita ng masama tungkol sa akin. Sapagkat ang sinumang hindi laban sa atin ay panig sa atin. Sapagkat tunay na sinasabi ko sa inyo, ang sinumang magpainom sa inyo ng isang tasang tubig dahil sa kayo'y kay Cristo, ay hindi mawawalan ng kanyang gantimpala. "At kung ang sinuman ay mabigay ng katitisuran sa isa sa maliliit na ito na sumasampalataya sa akin, mabuti pang bitinan ang kanyang leeg ng isang malaking gilingang bato at itapon sa dagat. Kung ang kamay mo ay nakapagpapatisod sa iyo, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na baldado, kaysa may dalawang kamay at mapunta sa impiyerno, sa apoy na hindi mapapatay, [na kung saan ang kanilang mga uod ay hindi namamatay, at ang apoy ay hindi napapatay.] Kung ang paa mo'y nakapagpapatisod sa iyo, putulin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na pilay kaysa may dalawang paa ka at maitapon sa impiyerno, [na kung saan ang kanilang mga uod ay hindi namamatay, at ang apoy ay hindi napapatay.] Kung ang mata mo'y nakapagpapatisod sa iyo, dukitin mo ito. Mas mabuti pa sa iyo ang pumasok sa kaharian ng Diyos na may isang mata, kaysa may dalawang mata at mabulid sa impiyerno, na kung saan ang kanilang mga uod ay hindi namamatay, at ang apoy ay hindi napapatay. Sapagkat bawat isa'y aasinan ng apoy. Mabuti ang asin ngunit kung tumabang ang asin, ano ang inyong ipagpapaalat dito? Magkaroon kayo ng asin sa inyong mga sarili at kayo'y magkaroon ng kapayapaan sa isa't isa." Mula roon. siya'y umalis at pumunta sa lupain ng Judea at sa kabila ng Jordan. At muling nagtipon ang napakaraming tao sa paligid niya at tulad ng kanyang nakaugalian, muli niyang tinuruan sila. Dumating ang mga Fariseo at upang subukin siya ay kanilang itinanong, "Ipinahihintulot ba sa lalaki na makipaghiwalay sa kanyang asawa?" At sumagot siya sa kanila, "Ano ba ang iniutos sa inyo ni Moises?" Sinabi nila, "Ipinahintulot ni Moises na sumulat ang isang lalaki ng kasulatan ng paghihiwalay, at makipaghiwalay sa babae." Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, "Dahil sa katigasan ng inyong puso, isinulat niya ang utos na ito sa inyo. Ngunit buhat pa sa pasimula ng paglikha, 'ginawa sila ng Diyos na lalaki at babae.' 'Dahil dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, at makikipisan sa kanyang asawa; at ang dalawa ay magiging isang laman!' Kaya't hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Kaya't ang pinagsama ng Diyos ay huwag hayaang paghiwalayin ng tao." Sa bahay naman ay muling tinanong siya ng mga alagad tungkol sa bagay na ito. At sinabi niya sa kanila, "Ang sinumang makipaghiwalay sa kanyang asawang babae at mag-asawa sa iba ay nagkakasala ng pangangalunya laban sa kanya. Kung nakipaghiwalay siya sa kanyang asawang lalaki at mag-asawa sa iba, nagkakasala siya ng pangangalunya." At dinadala ng mga tao sa kanya ang maliliit na bata upang sila'y kanyang hipuin, ngunit sinaway sila ng mga alagad. Ngunit nang ito'y makita ni Jesus, nagalit siya at sinabi sa kanila, "Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata, Huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Diyos. Tunay na sinasabi ko sa inyo, ang sinumang hindi tumanggap sa kaharian ng Diyos na tulad sa isang maliit na bata, ay hindi makakapasok doon." At kinalong niya sila, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila. Nang siya'y naghahanda na sa kanyang paglalakbay, may isang lalaking patakbong lumapit sa kanya, at pagluhod sa kanyang harapan, siya'y tinanong, "Mabuting Guro, ano ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?" Sinabi sa kanya ni Jesus, "Bakit tinatawag mo akong mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang. Nalalaman mo ang mga utos: 'Huwag kang pumatay; Huwag kang mangalunya; Huwag kang magnakaw; Huwag kang sumaksi sa kasinungalingan; Huwag kang mandaya; Igalang mo ang iyong ama at ina.'" At sinabi niya sa kanya, "Guro, ang lahat ng mga bagay na ito'y aking tinupad mula pa sa aking kabataan." Si Jesus, pagtingin sa kanya ay minahal siya at sinabi, "Isang bagay ang kulang sa iyo. Humayo ka, ipagbili mo ang lahat at ibigay mo ang salapi sa dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. At pumarito ka, sumunod ka sa akin." Subalit siya'y nanlumo sa sinabing ito, at siya'y umalis na nalulungkot sapagkat siya'y maraming ari-arian. At sa pagtingin ni Jesus sa palibot ay sinabi niya sa kanyang mga alagad, "Napakahirap para sa mga may kayamanan na pumasok sa kaharian ng Diyos." At namangha ang mga alagad sa kanyang mga salita. Ngunit muling sumagot sa kanila si Jesus, "Mga anak, napakahirap pumasok sa kaharian ng Diyos. Mas madali pa para sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom kaysa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng Diyos." Sila'y lalong nagtaka at sinabi sa kanya, "Sino nga kaya ang maliligtas?" Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, "Sa mga tao, ito'y hindi maaaring mangyari ngunit hindi sa Diyos; sapagkat sa Diyos ang lahat ng mga bagay ay maaaring mangyari." Si Pedro ay nagsimulang magsabi sa kanya, "Tingnan mo, iniwan namin ang lahat at sumunod kami sa iyo." Sinabi ni Jesus, "Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, walang taong nag-iwan ng bahay, o mga kapatid na lalaki, o mga kapatid na babae, o ina, o ama, o mga anak, o mga bukid, dahil sa akin, at dahil sa magandang balita, ang hindi makakatanggap ng isandaang ulit, ngayon sa panahong ito, ng mga bahay, at mga kapatid na lalaki, mga kapatid na babae, mga ina at mga anak, at mga bukid, na may mga pag-uusig; at sa darating na panahon ay walang hanggang buhay. Ngunit ang maraming nauuna ay mahuhuli, at ang huli ay mauuna." Sila'y nasa daang paakyat sa Jerusalem at nauuna sa kanila si Jesus. Sila'y namangha at ang mga sumunod ay natakot. Muli niyang ibinukod ang labindalawa, at sinimulang isalaysay sa kanila ang mga bagay na mangyayari sa kanya na sinasabi, "Tingnan ninyo, umaahon tayo patungo sa Jerusalem at ipagkakanulo ang Anak ng Tao sa mga punong pari at sa mga eskriba. Siya'y hahatulan nila ng kamatayan, at ibibigay siya sa mga Hentil. Siya'y kanilang tutuyain, at duduraan, siya'y hahampasin at papatayin. Pagkaraan ng tatlong araw siya ay muling mabubuhay." Lumapit sa kanya sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo, na nagsasabi sa kanya, "Guro, ibig naming gawin mo sa amin ang anumang aming hingin sa iyo." At sinabi niya sa kanila, "Ano ang ibig ninyong gawin ko para sa inyo?" Sinabi nila sa kanya, "Ipagkaloob mo sa amin na makaupo kami, ang isa'y sa iyong kanan, at ang isa'y sa kaliwa, sa iyong kaluwalhatian." Subalit sinabi ni Jesus sa kanila, "Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Kaya ba ninyong uminom sa kopang aking iinuman; o mabautismuhan sa bautismo na ibinabautismo sa akin?" Sumagot sila, "Kaya namin." Sinabi naman ni Jesus sa kanila, "Ang kopang aking iinuman ay iinuman ninyo; at sa bautismo na ibinabautismo sa akin ay babautismuhan kayo. Ngunit ang maupo sa aking kanan o sa aking kaliwa ay hindi ako ang magkakaloob; subalit ito'y para sa kanila na pinaghandaan nito." Nang marinig ito ng sampu, nagsimula silang magalit kina Santiago at Juan. Kaya't sila'y tinawag ni Jesus at sinabi sa kanila, "Nalalaman ninyo na ang mga kinikilala upang mamuno sa mga Hentil ay tumatayong panginoon sa kanila; at ang mga dakila sa kanila ang siyang nasusunod sa kanila. Subalit hindi gayon sa inyo, ngunit ang sinumang ibig na maging dakila sa inyo ay kailangang maging lingkod ninyo; at ang sinumang nais na maging una ay kailangang maging alipin ng lahat. Sapagkat maging ang Anak ng Tao ay hindi naparito upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay na pantubos sa marami." At dumating sila sa Jerico. Habang nililisan niya ang Jerico, kasama ang kanyang mga alagad at ng napakaraming tao, isang pulubing bulag, si Bartimeo na anak ni Timeo, ay nakaupo sa tabi ng daan. Nang marinig niya na iyon ay si Jesus na taga-Nazaret, nagsimula siyang magsisigaw at magsabi, "Jesus, Anak ni David, mahabag ka sa akin!" At sinaway siya ng marami na siya'y tumahimik, ngunit siya'y lalong nagsisigaw, "Anak ni David, mahabag ka sa akin!" Tumigil si Jesus at sinabi, "Tawagin ninyo siya." Tinawag nila ang lalaking bulag na sinasabi sa kanya, "Matuwa ka. Tumayo ka; tinatawag ka niya." Pagkahagis sa kanyang balabal, nagmamadali siyang tumayo at lumapit kay Jesus. Pagkatapos sinabi sa kanya ni Jesus, "Ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo?" Sinabi ng lalaking bulag, "Rabboni,? ibig kong muling makakita." Sinabi sa kanya ni Jesus, "Humayo ka, pinagaling ka ng iyong pananampalataya." Agad na nagbalik ang kanyang paningin at siya'y sumunod sa kanya sa daan. Nang malapit na sila sa Jerusalem, sa may Betfage at Betania, malapit sa bundok ng mga Olibo, sinugo ni Jesus ang dalawa sa kanyang mga alagad, at sa kanila'y sinabi, "Pumunta kayo sa nayong nasa tapat ninyo at kaagad sa inyong pagpasok doon ay matatagpuan ninyo ang isang nakataling batang asno na hindi pa nasasakyan ng tao. Kalagan at kunin ninyo iyon. At kung may magsabi sa inyo, 'Bakit ninyo ginagawa ito?' sabihin ninyo, 'Kailangan ito ng Panginoon' at ipadadala niya agad rito." Umalis sila at kanilang natagpuan ang batang asno na nakatali sa pintuan sa labas ng lansangan. At kinalagan nila ito. Ang ilan sa nakatayo roon ay nagsabi sa kanila, "Anong ginagawa ninyo na inyong kinakalagan ang batang asno?" At sinabi nila sa kanila ang sinabi ni Jesus at kanilang pinayagan sila. Pagkatapos, dinala nila ang batang asno kay Jesus at inilagay nila sa ibabaw ng batang asno ang kanilang mga balabal at siya'y sumakay rito. Maraming tao ang naglatag ng kanilang balabal sa daan at ang iba'y naglatag ng mga sanga na kanilang pinutol mula sa mga bukid. Ang mga nauuna at ang mga sumusunod ay nagsisigawan, "Hosana! Mapalad ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Mapalad ang dumarating na kaharian ng ating amang si David! Hosana sa kataas-taasan!" Pumasok siya sa Jerusalem at pumunta sa templo. Nang matingnan niya sa palibot ang lahat ng bagay, palibhasa'y hapon na, pumunta siya sa Betania na kasama ang labindalawa. Kinabukasan, nang dumating sila mula sa Betania ay nagutom siya. At pagkatanaw niya sa malayo ng isang puno ng igos na may mga dahon, lumapit siya upang tingnan kung may matatagpuan siya roon. At nang siya'y makalapit doon, wala siyang natagpuang anuman kundi mga dahon, sapagkat hindi pa panahon ng mga igos. Sinabi niya rito, "Wala nang sinumang makakakain pa ng bunga mula sa iyo." Ito'y narinig ng kanyang mga alagad. Pagkatapos ay dumating sila sa Jerusalem. Pumasok siya sa templo at sinimulan niyang itaboy ang mga nagbibili at ang mga bumibili sa loob ng templo. Ipinagtataob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagbibili ngmgakalapati. Hindi niya pinahintulutan ang sinuman na magdala ng anuman na padadaanin sa templo. Nagturo siya at sinabi, "Hindi ba nasusulat, 'Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan para sa lahat ng mga bansa?' Ngunit ginawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw." Narinig ito ng mga punong pari at ng mga eskriba at sila'y naghanap ng paraan kung paano nila siya mapapatay, sapagkat natatakot sila sa kanya dahil maraming tao ang namangha sa kanyang aral. Nang sumapit na ang gabi, sila ay lumabas sa lunsod. Kinaumagahan habang sila'y nagdaraan, nakita nila ang puno ng igos na natuyo mula sa mga ugat. Nang maalala ni Pedro ay sinabi niya sa kanya, "Rabi, tingnan mo! Ang puno ng igos na iyong isinumpa ay tuyo na." At sumagot si Jesus sa kanila, "Magkaroon kayo ng pananampalataya sa Diyos. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na ang sinumang magsabi sa bundok na ito, 'Mabunot ka at mapatapon ka sa dagat,' at hindi nag-aalinlangan sa kanyang puso, kundi naniniwala na mangyayari ang kanyang sinabi, ay mangyayari nga iyon sa kanya. Kaya nga sinasabi ko sa inyo, ang lahat ng bagay na iyong idalangin at hingin, paniwalaan ninyong tinanggap na ninyo at iyon ay mapapasainyo. Kapag kayo'y nakatayo na nananalangin, magpatawad kayo kung mayroon kayong anumang laban sa kaninuman; upang patawarin kayo sa inyong mga kasalanan ng inyong Ama na nasa langit. [Ngunit kung hindi kayo magpapatawad, hindi rin kayo patatawarin sa inyong mga kasalanan ng inyong Ama na nasa mga langit.]" Sila'y muling pumunta sa Jerusalem. Samantalang naglalakad siya sa templo, lumapit sa kanya ang mga punong pari, ang mga eskriba, at ang matatanda. Sinabi nila sa kanya, "Sa anong awtoridad mo ginagawa ang mga bagay na ito? O sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na gawin ang mga bagay na ito?" Sinabi ni Jesus sa kanila, "Tatanungin ko kayo ng isang tanong. Sagutin ninyo ako at sasabihin ko sa inyo kung sa anong awtoridad ko ginagawa ang mga bagay na ito. Ang bautismo ba ni Juan, ay mula sa langit, o sa mga tao? Sagutin ninyo ako." Nagtalo sila sa isa't isa, "Kung sabihin natin, 'Mula sa langit' ay sasabihin niya, 'Bakit nga hindi ninyo siya pinaniwalaan?' Ngunit kung sabihin natin, 'Mula sa mga tao' " ay natatakot sila sa maraming tao sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang tunay na propeta. Kaya't sinagot nila si Jesus, "Hindi namin nalalaman." Sinabi naman ni Jesus sa kanila, "Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong awtoridad ko ginagawa ang mga bagay na ito." Nagsimula siyang magsalita sa kanila sa mga talinghaga. "Nagtanim ang isang tao ng isang ubasan, binakuran ang paligid nito, humukay ng pisaan ng ubas, nagtayo ng isang tore, pinaupahan iyon sa mga magsasaka, at nagpunta siya sa ibang lupain. Nang dumating ang kapanahunan, nagsugo siya ng isang alipin sa mga magsasaka upang kunin sa kanila ang kanyang bahagi mula sa mga bunga ng ubasan. Ngunit siya'y kanilang sinunggaban, binugbog at pinaalis na walang dala. Siya'y muling nagsugo sa kanila ng isa pang alipin at ito'y kanilang pinalo sa ulo at nilait. Nagsugo siya ng isa pa at ito'y kanilang pinatay; gayundin sa marami pang iba. Binugbog ang ilan at ang iba'y pinatay. Mayroon pa siyang isa, isang minamahal na anak na lalaki. Sa kahuli-hulihan siya'y kanyang isinugo sa kanila na sinasabi, 'Igagalang nila ang aking anak.' Ngunit sinabi ng mga magsasakang iyon sa isa't isa, 'Ito ang taga-pagmana. Halikayo, patayin natin siya at magiging atin ang mana.' At siya'y kanilang sinunggaban, pinatay, at itinapon sa labas ng ubasan. Ano kaya ngayon ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Siya'y darating at pupuksain ang mga magsasaka at ibibigay ang ubasan sa iba. Hindi pa ba ninyo nababasa ang kasulatang ito: 'Ang batong itinakuwil ng mga nagtayo ng gusali, ay siyang naging batong panulukan. Ito'y gawa ng Panginoon, at ito'y kagila-gilalas sa ating mga mata?'" Nang kanilang mahalata na sinabi niya ang talinghagang ito laban sa kanila, pinagsikapan nilang hulihin siya, ngunit sila'y natakot sa maraming tao at siya'y iniwan nila at sila'y umalis. Kanila namang sinugo sa kanya ang ilang Fariseo at Herodiano, upang siya'y mahuli nila sa pananalita. At nang sila'y lumapit ay kanilang sinabi sa kanya, "Guro, nalalaman naming ikaw ay tapat at hindi ka nangingimi kaninuman; sapagkat hindi ka nagtatangi ng mga tao, kundi itinuturo mo ang daan ng Diyos ayon sa katotohanan. Matuwid bang magbayad ng buwis kay Cesar o hindi? Dapat ba kaming magbayad o hindi?" Ngunit dahil alam niya ang kanilang pagkukunwari ay sinabi niya sa kanila, "Bakit ninyo ako sinusubok? Magdala kayo rito sa akin ng isang denario upang makita ko." Nagdala nga sila ng isa at sinabi niya sa kanila, "Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit?" Sinabi nila sa kanya, "Kay Cesar." Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, "Ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar at sa Diyos ang sa Diyos." At sila'y namangha sa kanya. Lumapit sa kanya ang mga Saduceo na nagsasabi na walang muling pagkabuhay at siya'y kanilang tinanong, na sinasabi. "Guro, isinulat para sa amin ni Moises na kung ang kapatid na lalaki ng isang lalaki ay mamatay at may maiwang asawa, at walang maiwang anak, pakakasalan ng kanyang kapatid ang kanyang asawa, at bibigyan ng anak ang kanyang kapatid. May pitong lalaking magkakapatid. Nag-asawa ang panganay at nang mamatay siya ay walang naiwang anak. Pinakasalan ng pangalawa ang balo at namatay na walang naiwang anak at gayundin naman ang pangatlo. At ang pito ay walang iniwang anak. Sa kahuli-hulihan, ang babae naman ang namatay. Sa muling pagkabuhay, sino sa kanila ang magiging asawa ng babae? Sapagkat siya'y naging asawa ng pito." Sinabi sa kanila ni Jesus, "Hindi ba't ito ang dahilan kaya kayo nagkakamali, hindi ninyo nalalaman ang mga kasulatan, o ang kapangyarihan ng Diyos? Sapagkat sa pagkabuhay nilang muli mula sa mga patay, hindi na sila mag-aasawa, o pag-aasawahin pa; kundi tulad sila ng mga anghel sa langit. Ngunit tungkol sa mga patay, na sila'y muling bubuhayin, hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises, tungkol sa mababangpunungkahoy, kung paanong sinabi sa kanya ng Diyos, 'Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob?' Hindi siya Diyos ng mga patay, kundi ng mga buhay; maling-mali kayo." Lumapit ang isa sa mga eskriba, at narinig niya ang kanilang pagtatalo, at palibhasa'y nalalamang mabuti ang pagkasagot niya sa kanila ay tinanong siya, "Alin ang pangunahing utos sa lahat?" Sumagot si Jesus, "Ang pangunahin ay, 'Pakinggan mo Israel: Ang Panginoon nating Diyos, ang Panginoon ay iisa. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong pag-iisip mo, at nang buong lakas mo.' Ang pangalawa ay ito, 'Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili. Wala nang ibang utos na higit pang dakila sa mga ito.' " Sinabi sa kanya ng eskriba, "Tama ka, Guro; katotohanan ang sinabi mo na siya'y iisa; at wala nang iba maliban sa kanya. Ang siya'y ibigin nang buong puso, buong pagkaunawa, buong lakas, at ibigin ang kapwa niya na gaya ng kanyang sarili, ay higit pa kaysa lahat ng mga handog na sinunog at mga alay." Nang makita ni Jesus na siya'y sumagot na may katalinuhan, sinabi niya sa kanya, "Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos." Pagkatapos noon, wala nang nangahas na magtanong pa sa kanya ng anuman. Habang nagtuturo si Jesus sa templo, ay sinabi niya, "Paanong nasasabi ng mga eskriba na ang Cristo ay anak ni David? Si David mismo ang nagpahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo, 'Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, "Maupo ka sa aking kanan, hanggang sa ilagay ko ang iyong mga kaaway sa ilalim ng iyong mga paa." ' Tinawag din siya ni David na Panginoon; kaya't paano siyang magiging anak ni David?" At ang napakaraming tao ay tuwang-tuwa na nakikinig sa kanya. Sinabi niya sa kanyang pagtuturo, "Mag-ingat kayo sa mga eskriba, na ibig magpalakad-lakad na may mahahabang damit, at batiin na may paggalang sa mga pamilihan. At ibig nila ang pangunahing upuan sa mga sinagoga at ang mga upuang pandangal sa mga handaan. Sinasakmal nila ang mga bahay ng mga babaing balo at bilang pakitang-tao, nananalangin sila ng mahahaba. Ang mga ito'y tatanggap ng lalong malaking kahatulan." Umupo siya sa tapat ng kabang-yaman at minasdan ang mga taong naghuhulog ng salapi sa kabang-yaman. Maraming mayayaman ang naghuhulog ng malalaking halaga. Dumating ang isang babaing balo at siya'y naghulog ng dalawang kusing na ang halaga'y halos isang pera. Pinalapit niya sa kanya ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, "Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang dukhang balong ito ay naghulog ng higit kaysa lahat nang naghuhulog sa kabang-yaman. Sapagkat silang lahat ay naghulog mula sa kanilang kasaganaan, ngunit siya sa kanyang kasalatan ay inihulog ang lahat ng nasa kanya, ang kanyang buong kabuhayan." Sa paglabas niya sa templo, O sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad, "Guro, tingnan mo! Pagkalalaking mga bato, at pagkalalaking mga gusali!" Sinabi sa kanya ni Jesus, "Nakikita mo ba ang malalaking gusaling ito? Walang matitira ditong isa mang bato sa ibabaw ng kapwa bato na hindi ibabagsak." Samantalang siya'y nakaupo sa bundok ng mga Olibo sa tapat ng templo, tinanong siya nang lihim nina Pedro, Santiago, Juan, at Andres, "Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito at ano ang magiging tanda kapag malapit nang maganap ang lahat ng mga bagay na ito?" Si Jesus ay nagsimulang magsabi sa kanila, "Mag-ingat kayo, na baka mailigaw kayo ng sinuman. Maraming darating sa aking pangalan na magsasabi, 'Ako siya!' at maililigaw nila ang marami. Subalit kapag nakarinig kayo ng mga digmaan at ng mga bali-balita ng mga digmaan, huwag kayong mabahala. Ang mga bagay na ito'y dapat mangyari ngunit hindi pa iyon ang wakas. Sapagkat maghihimagsik ang bansa laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian; at lilindol sa iba't ibang dako; magkakaroon ng taggutom. Ang mga ito'y pasimula lamang ng paghihirap. Ngunit para sa inyong mga sarili, mag-ingat kayo; sapagkat kayo'y ibibigay nila sa mga Sanhedrin at kayo'y hahampasin sa mga sinagoga. Kayo'y tatayo sa harap ng mga gobernador at ng mga hari dahil sa akin, bilang patotoo sa kanila. At kailangan munang maipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng mga bansa. Kapag kayo'y dinala nila sa paglilitis at kayo'y ipinadakip, huwag kayong mabalisa kung ano ang inyong sasabihin, ngunit sabihin ninyo ang anumang ipagkaloob sa inyo sa oras na iyon, sapagkat hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu Santo. Ipagkakanulo ng kapatid sa kamatayan ang kapatid at ng ama ang kanyang anak; at maghihimagsik ang mga anak laban sa mga magulang at sila'y ipapapatay. Kayo nama'y kapopootan ng lahat dahil sa aking pangalan, ngunit ang makapagtiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas. "Ngunit kapag nakita ninyo ang karumaldumal na paglapastangan na nakatayo sa dakong hindi niya dapat kalagyan (unawain ng bumabasa), kung magkagayo'y dapat nang tumakas sa mga bundok ang mga nasa Judea. At ang nasa bubungan ay huwag nang bumaba, o pumasok upang maglabas ng anuman sa kanyang bahay. Ang nasa bukid ay huwag nang bumalik upang kumuha ng kanyang balabal. Kahabag-habag ang mga nagdadalang-tao at ang mga nagpapasuso ng mga sanggol sa mga araw na iyon! Subalit ipanalangin ninyo na ito'y huwag nawang mangyari sa taglamig. Sapagkat sa mga araw na iyon ay magkakaroon ng kapighatian, na ang gayo'y hindi pa nangyari buhat; sa pasimula ng paglikha na nilalang ng Diyos hanggang ngayon, at hindi na mangyayari kailanman. At malibang paikliin ng Panginoon ang mga araw, walang taong" makakaligtas, ngunit dahil sa mga hinirang na kanyang pinili, pinaikli niya ang mga araw na iyon. Kung may magsabi sa inyo, 'Narito ang Cristo!' o, 'Tingnan ninyo naroon siya!' huwag ninyong paniwalaan. Maglilitawan ang mga bulaang Cristo at ang mga bulaang propeta, at magpapakita ng mga tanda at mga kababalaghan, upang mailigaw nila, kung maaari, ang mga hinirang. Ngunit mag-ingat kayo; ipinagpauna ko nang sabihin sa inyo ang lahat ng bagay. "Ngunit sa mga araw na iyon, pagkatapos ng kapighatiang iyon, magdidilim ang araw at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag, at malalaglag ang mga bituin mula sa langit, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa mga langit. Pagkatapos, makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating sa mga ulap na may dakilang kapangyarihan at kaluwalhatian. Pagkatapos ay susuguin niya ang mga anghel at titipunin ang kanyang mga hinirang mula sa apat na hangin, mula sa mga dulo ng lupa hanggang sa mga dulo ng langit. "Sa puno nga ng igos ay pag-aralan ninyo ang talinghaga: kapag nananariwa ang kanyang sanga, at sumusupling ang mga dahon, ay nalalaman ninyo na malapit na ang tag-araw. Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari ang mga bagay na ito, alam ninyong iyon ay malapit na, nasa mga pintuan na. Katotohanang sinasabi ko sa inyo., hindi lilipas ang lahing ito, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay na ito. Ang langit at ang lupa ay lilipas, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas. "Ngunit tungkol sa araw o oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Ama. Kayo'y mag-ingat, kayo'y magbantay, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung kailan ang panahon. Tulad ng isang tao na umalis upang maglakbay. Sa pag-alis niya sa kanyang bahay, at pagkabigay ng tagubilin sa kanyang mga alipin, sa bawat isa ang kanyang gawain, ay inutusan ang tanod sa pinto na magbantay. Kaya't maging handa kayo, sapagkat hindi ninyo nalalaman kung kailan darating ang panginoon ng bahay, kung sa gabi, sa hatinggabi, sa pagtilaok ng manok, o sa umaga. Baka sa bigla niyang pagdating ay matagpuan niya kayong natutulog. At ang sinasabi ko sa inyo ay sinasabi ko sa lahat: Maging handa kayo." Dalawang araw noon bago ang Paskuwa at ang kapistahan ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Pinag-iisipan ng mga punong pari at ng mga eskriba kung paano huhulihin siya nang patago at siya'y maipapatay. Sapagkat sinabi nila, "Huwag sa kapistahan, baka magkagulo ang taong-bayan." Samantalang siya'y nasa Betania, sa bahay ni Simon na ketongin, habang siya'y nakaupo sa hapag-kainan, dumating ang isang babae na may dalang isang sisidlang alabastro na puno ng mamahaling pabangong purong nardo, binasag niya ang sisidlan at ibinuhos ang pabango sa kanyang ulo. Ngunit may ilan doon na pagalit na sinabi sa kanilang sarili, "Bakit sinayang nang ganito ang pabango? Sapagkat ang pabangong ito'y maipagbibili ng higit sa tatlong daang denario, at maipamimigay sa mga dukha." At kanilang pinagalitan ang babae. Ngunit sinabi ni Jesus, "Hayaan ninyo siya; bakit ninyo siya ginugulo? Isang mabuting bagay ang ginawa niya sa akin. Sapagkat lagi ninyong kasama ang mga dukha at kung kailan ninyo nais, magagawan ninyo sila ng mabuti, ngunit ako'y hindi ninyo laging makakasama. Ginawa niya ang kanyang makakaya; nagpauna na niyang pahiran ang katawan ko para sa paglilibing. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Saanman ipangaral ang ebanghelyo sa buong sanlibutan, ang ginawa ng babaing ito ay sasabihin sa pag-alaala sa kanya." Si Judas Iscariote naman, na isa sa labindalawa, ay nagpunta sa mga punong pari upang maipagkanulo siya sa kanila. Nang marinig nila ito, sila'y nagalak at nangakong siya'y bibigyan ng salapi. Kaya't naghanap siya ng pagkakataong maipagkanulo siya. Nang unang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, nang kanilang inihahandog ang kordero ng Paskuwa, sinabi sa kanya ng kanyang mga alagad, "Saan mo kami ibig pumunta at ipaghanda ka upang makakain ng kordero ng Paskuwa?" Isinugo niya ang dalawa sa kanyang mga alagad at sa kanila'y sinabi, "Pumunta kayo sa lunsod at doo'y sasalubungin kayo ng isang lalaki na may dalang isang bangang tubig. Sundan ninyo siya. At kung saan siya pumasok, sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, na sinasabi ng Guro, 'Nasaan ang aking silid-tuluyan na kung saan maaari kong kainin ang kordero ng Paskuwa na kasalo ng aking mga alagad?' Ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na may mga kagamitan at handa na. At doon ay maghanda kayo para sa atin." Kaya't umalis ang mga alagad, nagpunta sa lunsod, at natagpuan ang lahat ayon sa sinabi niya sa kanila. Inihanda nila ang korderong pampaskuwa. Pagsapit ng gabi, naparoon siyang kasama ang labindalawa. Nang sila'y nakaupo na at kumakain, sinabi ni Jesus, "Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ipagkakanulo ako ng isa sa inyo, ang kasalo kong kumakain." Sila'y nagsimulang malungkot at isa-isang nagsabi sa kanya, "Ako ba?" Sinabi niya sa kanila, "Isa sa labindalawa, ang kasabay kong sumawsaw sa mangkok. Sapagkat papanaw ang Anak ng Tao, ayon sa nasusulat tungkol sa kanya, ngunit kahabag-habag ang taong iyon na sa pamamagitan niya ay ipinagkakanulo ang Anak ng Tao! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak." Samantalang sila'y kumakain, dumampot siya ng tinapay, at nang kanyang mabasbasan ay kanyang pinagputul-putol, ibinigay sa kanila at sinabi, "Kunin ninyo; ito ang aking katawan." Siya'y dumampot ng isang kopa at nang siya'y makapagpasalamat ay ibinigay niya sa kanila, at mula roo'y uminom silang lahat. At sinabi niya sa kanila, "Ito ang aking dugo ng tipan," na nabubuhos para sa marami. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi na ako iinom mula sa bunga ng ubas, hanggang sa araw na iyon na inumin kong panibago sa kaharian ng Diyos. At pagkaawit ng isang himno, lumabas sila patungo sa bundok ng mga Olibo. Sinabi sa kanila ni Jesus, "Kayong lahat ay tatalikod sapagkat nasusulat, 'Hahampasin ko ang pastol at kakalat ang mga tupa.' Ngunit matapos akong maibangon, mauuna ako sa inyo sa Galilea." Subalit sinabi sa kanya ni Pedro, "Kahit tumalikod man ang lahat, ako'y hindi." Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, "Katotohanang sinasabi ko sa iyo na ngayon, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok ng makalawa, itatatwa mo ako nang tatlong ulit." Ngunit sinabi niya nang may diin, "Kung kinakailangang mamatay akong kasama mo, hindi kita ipagkakaila." Gayundin ang sinabi ng lahat. Pagkatapos ay nagpunta sila sa isang dako na tinatawag na Getsemani at sinabi niya sa kanyang mga alagad, "Maupo kayo rito habang ako'y nananalangin." Kanyang isinama sina Pedro, Santiago at Juan, at nagsimula siyang malungkot at mabagabag. Sinabi niya sa kanila, "Ako'y lubhang nalulungkot, hanggang sa kamatayan; manatili kayo rito at manatiling gising." Paglakad niya sa malayo-layo, siya'y nagpatirapa sa lupa at idinalangin na kung maaari ay makalampas sa kanya ang oras. At kanyang sinabi, "Abba, Ama, para sa iyo ang lahat ng bagay ay maaaring mangyari. Ilayo mo sa akin ang kopang ito, gayunma'y hindi ang nais ko, kundi ang sa iyo." Siya'y bumalik at naratnang sila'y natutulog at sinabi niya kay Pedro, "Simon, natutulog ka ba? Hindi mo ba kayang manatiling gising sa loob ng isang oras? Manatili kayong gising at manalangin upang huwag kayong pumasok sa tukso; tunay na ang espiritu ay nagnanais, ngunit ang laman ay mahina." Muli siyang umalis at nanalangin na sinabi ang gayunding mga salita. At muli siyang nagbalik at naratnang sila'y natutulog, sapagkat mabigat na mabigat na ang kanilang mga mata at hindi nila nalalaman kung ano ang isasagot sa kanya. Bumalik siya sa ikatlong pagkakataon at sinabi sa kanila, "Natutulog pa rin ba kayo at nagpapahinga? Tama na! Dumating na ang oras; ang Anak ng Tao ay ipinagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan. Bumangon kayo, umalis na tayo. Narito, malapit na ang nagkakanulo sa akin." Kaagad, samantalang nagsasalita pa siya, dumating si Judas na isa sa labindalawa. Kasama niya ang maraming tao na may mga tabak at mga pamalo, na mula sa mga punong pari, sa mga eskriba at sa matatanda. At ang nagkanulo sa kanya ay nagbigay sa kanila ng isang hudyat, na sinasabi, "Ang aking halikan ay iyon na; hulihin ninyo siya at dalhin siyang may bantay." Kaya't nang dumating siya, lumapit siya agad sa kanya at nagsabi, "Rabi," at siya'y kanyang hinalikan. Siya'y sinunggaban nila at siya'y kanilang dinakip. Ngunit ang isa sa nakatayo roon ay bumunot ng kanyang tabak, tinaga ang alipin ng pinakapunong pari, at tinigpas ang kanyang tainga. Sinabi naman ni Jesus sa kanila, "Kayo ba'y lumabas na may mga tabak at mga pamalo upang dakpin ako na parang isang tulisan? Araw-araw ay kasama ninyo ako sa templo na nagtuturo at hindi ninyo ako hinuhuli. Ngunit nangyari ito upang matupad ang mga kasulatan." Iniwan siya ng lahat at tumakas sila. Sinundan siya ng isang binata na walang suot kundi isang telang lino lamang at siya'y kanilang sinunggaban. Ngunit kanyang binitawan ang telang lino at tumakas na hubad. Dinala nila si Jesus sa pinakapunong pari at nagtipon ang lahat ng mga punong pari, matatanda at mga eskriba. Si Pedro ay sumunod sa kanya sa malayo, hanggang sa loob ng patyo ng pinakapunong pari; at nakiumpok siya sa mga kawal, at nagpainit ng sarili sa apoy. Ang mga punong pari naman at ang buong Sanhedrin ay naghahanap ng patotoo laban kay Jesus upang siya'y ipapatay; ngunit wala silang matagpuan, sapagkat marami ang sumasaksi ng kasinungalingan laban sa kanya, at ang kanilang mga patotoo ay hindi nagkakatugma. Tumayo ang ilan at sumaksi ng kasinungalingan laban sa kanya, na sinasabi, "Narinig naming sinabi niya, 'Gigibain ko ang templong ito na gawa ng mga kamay, at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng iba na hindi gawa ng mga kamay.' " Ngunit sa gayong paraan ay hindi rin nagkatugma ang patotoo nila. Tumayo sa harapan nila ang pinakapunong pari at tinanong si Jesus, "Wala ka bang isasagot? Ano itong pinatotohanan nila laban sa iyo?" Ngunit siya'y tumahimik at hindi nagsalita ng anuman. Tinanong siyang muli ng pinakapunong pari at sinabi sa kanya, "Ikaw ba ang Cristo, ang Anak ng Pinagpala?" Sinabi ni Jesus, "Ako nga; at makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan at dumarating na nasa mga alapaap ng langit." Pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang damit at nagsabi, "Ano pang kailangan nating mga saksi? Narinig ninyo ang kanyang paglapastangan! Ano ang inyong pasiya?" At hinatulan nilang lahat na siya'y dapat mamatay. Nagsimula ang ilan na duraan siya, tinakpan ang kanyang mukha, at siya'y pinagsusuntok, na sinasabi nila sa kanya, "Hulaan mo!" Kinuha siya ng mga bantay at siya'y pinagsasampal. Samantalang nasa ibaba si Pedro, sa patyo, lumapit ang isa sa mga alilang babae ng pinakapunong pari. Nang makita niya si Pedro na nagpapainit, siya'y kanyang tinitigan at sinabi, "Ikaw man ay kasama rin ni Jesus na taga-Nazaret." Ngunit siya'y nagkaila, na sinasabi, "Hindi ko nalalaman, ni nauunawaan ang sinasabi mo." At lumabas siya sa pasilyo [pagkatapos ay tumilaok ang manok]. Nakita siya ng alilang babae at nagsimulang magsabing muli sa mga nakatayo roon, "Ang taong ito ay isa sa kanila." Ngunit muling nagkaila siya. At pagkaraan ng ilang sandali, sinabing muli ng mga nakatayo roon kay Pedro, "Tunay na ikaw ay isa sa kanila, sapagkat ikaw ay taga-Galilea." Ngunit siya'y nagsimulang magmura at sumumpa, "Hindi ko nakikilala ang taong ito na inyong sinasabi." At kaagad, sa ikalawang pagkakataon ay tumilaok ang manok at naalala ni Pedro ang sinabi ni Jesus sa kanya, "Bago tumilaok ang manok ng makalawa ay ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit." Nanlumo siya at tumangis. Kinaumagahan, nagsanggunian kaagad ang mga punong pari kasama ang matatanda at mga eskriba at ang buong Sanhedrin. Ginapos nila si Jesus, inilabas at ibinigay kay Pilato. Tinanong siya ni Pilato, "Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?" Sumagot siya sa kanya, "Ikaw ang nagsasabi." Pinaratangan siya ng mga punong pari ng maraming bagay. Muli siyang tinanong ni Pilato, "Wala ka bang isasagot? Tingnan mo kung gaano karami ang kanilang ibinibintang laban sa iyo." Ngunit si Jesus ay hindi sumagot ng anuman, anupa't nanggilalas si Pilato. Sa bawat kapistahan ay nakaugalian na niyang pawalan sa kanila ang isang bilanggo na kanilang hilingin. Mayroong isa na kung tawagin ay Barabas, na nakakulong kasama ng mga manghihimagsik na sa panahon ng paghihimagsik ay pumatay ng tao. Kaya't lumapit ang karamihan at nagpasimulang hilingin sa kanya na sa kanila'y gawin ang ayon sa kanyang nakaugalian. Sinagot naman sila ni Pilato, "Ibig ba ninyong pawalan ko sa inyo ang Hari ng mga Judio?" Sapagkat batid niya na dahil sa inggit ay ipinadakip siya ng mga punong pari. Ngunit inudyukan ng mga punong pari ang taong-bayan na sa halip ay palayain niya si Barabas para sa kanila. Ngunit muling sumagot si Pilato at sa kanila'y sinabi, "Ano ngayon ang nais ninyong gawin ko sa tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?" At sila'y muling nagsigawan, "Ipako siya sa krus." Ngunit sinabi sa kanila ni Pilato, "Bakit, anong kasamaan ang kanyang ginawa?" Subalit sila'y lalong nagsigawan, "Ipako siya sa krus." At sa pagnanais ni Pilato na bigyang-kasiyahan ang taong-bayan, pinalaya si Barabas para sa kanila. Pagkatapos na ipahagupit si Jesus, siya'y ibinigay niya upang ipako sa krus. Pagkatapos ay dinala siya ng mga kawal sa bulwagan na siyang Pretorio; at kanilang tinipon ang buong batalyon. Siya'y kanilang dinamitan ng kulay-ube, at nang makapagtirintas ng isang koronang tinik ay ipinutong nila ito sa kanya. At pinasimulan nilang pagpugayan siya, "Mabuhay, Hari ng mga Judio!" Hinampas nila ang kanyang ulo ng isang tungkod, dinuraan siya at lumuhod sa harapan niya. Pagkatapos na siya'y kanilang libakin, inalis nila sa kanya ang kulay-ube na balabal at isinuot sa kanya ang kanyang mga damit. At siya'y kanilang inilabas upang ipako sa krus. Pinilit nila ang isang nagdaraan, si Simon na taga-Cirene, na ama ni Alejandro at ni Rufo, na nanggaling sa bukid, upang pasanin niya ang krus ni Jesus. Siya'y kanilang dinala sa pook na tinatawag na Golgota na ang kahulugan ay 'Ang pook ng bongo.' At siya'y binigyan nila ng alak na hinaluan ng mira, ngunit hindi niya tinanggap iyon. Siya'y kanilang ipinako sa krus, at pinaghati-hatian ang kanyang mga damit na kanilang pinagsapalaran, kung alin ang kukunin ng bawat isa. Noo'y ikasiyam ng umaga nang siya'y kanilang ipinako sa krus. At ang pamagat ng pagkasakdal sa kanya ay isinulat sa ulunan, "Ang Hari ng mga Judio." At ipinako sa krus na kasama niya ang dalawang tulisan; isa sa kanan, at isa sa kanyang kaliwa. [At natupad ang kasulatan, na nagsasabi: At siya'y ibinilang sa mga suwail.] Siya'y nilait ng mga nagdaraan, na umiiling at sinasabi, "Ah! ang gigiba sa templo at magtatayo nito sa loob ng tatlong araw, iligtas mo ang iyong sarili at bumaba ka sa krus." Gayundin naman ang mga punong pari, kasama ng mga eskriba ay nilibak siya na sinasabi sa isa't isa, "Iniligtas niya ang iba; hindi niya mailigtas ang kanyang sarili. Bumaba ngayon mula sa krus ang Cristo, ang Hari ng Israel upang aming makita at paniwalaan." At tinutuya rin siya ng mga kasama niyang nakapako sa krus. Nang dumating ang tanghaling tapat, nagdilim sa buong lupain hanggang sa ikatlo ng hapon. Nang ikatlo ng hapon ay sumigaw si Jesus nang may malakas na tinig, "Eloi, Eloi, lama sabacthani?" na ang kahulugan ay, "Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?" Nang marinig ito ng ilang nakatayo roon, ay sinabi nila, "Tingnan ninyo, tinatawag niya si Elias." Tumakbo ang isa, binasa ng suka ang isang espongha, inilagay sa isang tungkod, at ipinainom sa kanya na sinasabi, "Pabayaan ninyo; tingnan natin kung darating si Elias upang siya'y ibaba." Si Jesus ay sumigaw nang malakas at nalagutan ng hininga. Ang tabing ng templo ay nahati sa dalawa, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Ang senturion na nakatayong malapit sa harap niya, nang makitang nalagot ang kanyang hininga sa ganitong paraan ay nagsabi, "Tunay na ang taong ito ay Anak ng Diyos." At mayroon din namang mga babae na nakatanaw mula sa malayo; kabilang sa kanila ay si Maria Magdalena, si Mariang ina ni Santiago na mas bata at ni Jose, at si Salome; na nang siya'y nasa Galilea, ay sumunod sa kanya at naglingkod sa kanya; at marami pang ibang mga babae na umahong kasama niya sa Jerusalem. Nang magtakip-silim na, sapagkat noon ay araw ng Paghahanda, ang araw bago ang Sabbath, si Jose na taga-Arimatea, isang marangal na kagawad, na naghihintay rin ng kaharian ng Diyos ay may katapangang pumunta kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. At nagtaka si Pilato na siya'y patay na. Ipinatawag niya ang senturion at itinanong niya sa kanya kung patay na nga siya. Nang malaman niya sa senturion, ipinagkaloob niya ang bangkay kay Jose. At bumili si Jose ng isang telang lino at pagkababa sa kanya sa krus ay binalot siya ng telang lino at inilagay siya sa isang libingan na hinukay sa isang bato. At iginulong niya ang isang bato sa pintuan ng libingan. Nakita ni Maria Magdalena at ni Mariang ina ni Jose kung saan siya inilagay. Nang makaraan ang Sabbath, sina Maria Magdalena, Mariang ina ni Santiago, at si Salome, ay bumili ng mga pabango upang sila'y pumunta roon at siya'y pahiran. Pagkaumaga nang unang araw ng linggo, pagkasikat ng araw, pumunta sila sa libingan. Kanilang sinabi sa isa't isa, "Sino kaya ang magpapagulong ng bato para sa atin mula sa pasukan ng libingan?" Sa pagtanaw nila ay nakita nilang naigulong na ang bato na lubhang napakalaki. At pagpasok nila sa libingan, kanilang nakita ang isang binata na nakabihis ng isang damit na maputi, nakaupo sa gawing kanan at sila'y nagtaka. Ngunit sinabi niya sa kanila, "Huwag kayong magtaka; hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazaret na ipinako sa krus. Siya'y muling binuhay. Wala siya rito. Tingnan ninyo ang dakong pinaglagyan nila sa kanya! Subalit humayo kayo, sabihin ninyo sa kanyang mga alagad at kay Pedro na siya'y mauuna sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya makikita, ayon sa sinabi niya sa inyo." At sila'y nagsilabas at nagsitakas mula sa libingan, sapagkat sila'y sinidlan ng sindak at pagkamangha, at wala silang sinabi kaninuman sapagkat sila'y natakot. [At ang lahat ng mga iniutos sa kanila ay sinabi ng maiksi sa mga nasa palibot ni Pedro. At pagkatapos si Jesus mismo ay nagsugo sa pamamagitan nila, mula sa silangan hanggang kanluran, ang banal at walang hanggang proklamasyon ng walang katapusang kaligtasan.] [Nang siya nga'y magbangon nang unang araw ng linggo ay una siyang nagpakita kay Maria Magdalena, na mula sa kanya'y pitong demonyo ang pinalayas niya. Siya'y lumabas at ibinalita sa mga naging kasama ni Jesus, samantalang sila'y nagluluksa at tumatangis. Ngunit nang kanilang mabalitaan na siya'y buhay at nakita ni Magdalena ay ayaw nilang maniwala. Pagkatapos ng mga ito ay nagpakita siya sa ibang anyo sa dalawa sa kanila noong sila'y naglalakad patungo sa bukid. At sila'y bumalik at ipinagbigay-alam ito sa mga iba ngunit hindi rin sila naniwala. At pagkatapos siya'y nagpakita sa labing-isa samantalang sila'y nakaupo sa hapagkainan; sila'y kanyang pinagsabihan dahil sa kawalan nila ng pananampalataya at katigasan ng puso, sapagkat hindi nila pinaniwalaan ang mga nakakita sa kanya pagkatapos na siya'y muling mabuhay. At sinabi niya sa kanila, "Humayo kayo sa buong sanlibutan, at inyong ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng nilikha. Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; ngunit ang hindi sumasampalataya ay parurusahan. At ang mga tandang ito ay tataglayin ng mga nananampalataya: sa paggamit ng aking pangalan ay magpapalayas sila ng mga demonyo, magsasalita sila ng mga bagong wika; sila'y hahawak ng mga ahas, at kung makainom sila ng bagay na nakamamatay, hindi ito makakasama sa kanila, ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga maysakit, at sila'y gagaling." Kaya't ang Panginoong Jesus nga, pagkatapos na siya'y magsalita sa kanila ay iniakyat sa langit at lumuklok sa kanan ng Diyos. At humayo sila at nangaral sa lahat ng dako, habang gumagawang kasama nila ang Panginoon at pinatototohanan ang salita sa pamamagitan ng mga tandang kalakip nito.] Yamang marami ang nagsikap mag-ayos ng isang kasaysayan tungkol sa mga bagay na naganap sa gitna natin, ayon sa ipinaalam sa atin ng mga taong buhat sa pasimula ay mga saksing nakakita at mga tagapangaral ng salita, ay minabuti ko naman, pagkatapos na siyasating mabuti ang lahat ng mga pangyayari buhat sa pasimula, na sumulat ng isang maayos na salaysay para sa iyo, kagalang-galang na Teofilo, upang malaman mo ang katiyakan ng mga bagay na itinuro sa iyo. Nang panahon ni Haring Herodes ng Judea, may isang paring ang pangalan ay Zacarias, mula sa pangkat ni Abias. Ang naging asawa niya ay isa sa mga anak na babae ni Aaron na ang pangalan ay Elizabeth. Sila'y kapwa matuwid sa harapan ng Diyos, at nabubuhay na walang kapintasan ayon sa lahat ng mga utos at alituntunin ng Panginoon. Subalit wala silang anak, sapagkat baog si Elizabeth at sila'y kapwa matanda na. Samantalang naglilingkod siya sa Diyos bilang pari at ang kanyang pangkat ang nanunungkulan, ayon sa kaugalian ng mga pari, napili siya sa pamamagitan ng palabunutan na pumasok sa templo ng Panginoon at magsunog ng insenso. At sa oras ng paghahandog ng insenso, ang napakaraming tao ay nananalangin sa labas. Nagpakita sa kanya ang isang anghel ng Panginoon na nakatayo sa gawing kanan ng dambana ng insenso. Nang makita niya ang anghel, nasindak at natakot si Zacarias. Subalit sinabi sa kanya ng anghel, "Huwag kang matakot, Zacarias, sapagkat pinakinggan ang panalangin mo at ang asawa mong si Elizabeth ay magsisilang sa iyo ng isang anak na lalaki at tatawagin mo siya sa pangalang Juan. Ikaw ay magkakaroon ng kaligayahan at kagalakan at marami ang matutuwa sa kanyang pagsilang. Sapagkat siya'y magiging dakila sa harapan ng Panginoon, at hindi siya iinom ng alak o matapang na inumin. Siya'y mapupuno ng Espiritu Santo mula pa sa sinapupunan ng kanyang ina. Marami sa mga anak ni Israel ang panunumbalikin niya sa Panginoon nilang Diyos. Siya'y lalakad sa unahan niya sa espiritu at kapangyarihan ni Elias, upang papanumbalikin ang mga puso ng mga magulang sa kanilang mga anak, at ang mga suwail sa karunungan ng mga matuwid, upang ihanda ang isang bayang nakalaan sa Panginoon." Sinabi ni Zacarias sa anghel, "Paano ko malalamang gayon nga? Sapagkat ako ay matanda na at ang aking asawa ay puspos na ng mga araw." At sinagot siya ng anghel, "Ako si Gabriel na tumatayo sa harapan ng Diyos. Ako'y sinugo upang makipag-usap at ipahayag sa iyo itong magandang balita. Subalit ngayon, sapagkat hindi ka naniwala sa aking mga salita na magaganap sa kanilang kapanahunan, ikaw ay magiging pipi at di makapagsasalita, hanggang sa araw na mangyari ang mga bagay na ito." Samantala, hinihintay ng mga tao si Zacarias at nagtaka sila sa kanyang pagtatagal sa loob ng templo. Nang lumabas siya, hindi siya makapagsalita sa kanila. Inakala nila na siya'y nakakita ng isang pangitain sa templo. Siya'y nakipag-usap sa kanila sa pamamagitan ng mga hudyat, at siya'y nanatiling pipi. Nang matapos na ang mga araw ng kanyang paglilingkod, siya'y umuwi sa kanyang bahay. Pagkalipas ng mga araw na ito ay naglihi ang kanyang asawang si Elizabeth. Siya ay nagtago nang limang buwan, na nagsasabi, "Ganito ang ginawa ng Panginoon sa akin nang mga araw na ako'y kanyang bigyang-pansin upang alisin ang aking kahihiyan sa gitna ng mga tao." Nang ikaanim na buwan, sinugo ng Diyos ang anghel na si Gabriel sa isang bayan ng Galilea, na tinatawag na Nazaret, sa isang birheng nakatakdang ikasal sa isang lalaki, na ang pangalan ay Jose, mula sa sambahayan ni David. Ang pangalan ng birhen ay Maria. Lumapit ang anghel sa kanya, at sinabi, "Magalak ka, ikaw na pinagpala! Ang Panginoon ay sumasaiyo." Subalit siya'y lubhang naguluhan sa sinabing iyon at inisip niya sa kanyang sarili kung anong uri ng pagbati kaya ito. Sinabi sa kanya ng anghel, "Huwag kang matakot, Maria, sapagkat nakatagpo ka ng paglingap sa Diyos. At ngayon, maglilihi ka sa iyong sinapupunan at magsisilang ka ng isang anak na lalaki, at tatawagin mo siya sa pangalang Jesus. Siya'y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Siya'y maghahari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman at hindi magwawakas ang kanyang kaharian." Sinabi ni Maria sa anghel, "Paanong mangyayari ito, samantalang ako'y wala pang nakikilalang lalaki." At sumagot ang anghel sa kanya, "Bababa sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya't ang batang banal ay tatawaging Anak ng Diyos. Si Elizabeth na iyong kamag-anak ay naglihi rin ng isang anak na lalaki, bagama't siya'y matanda na. Ito ang ikaanim na buwan niya, na dati'y tinatawag na baog. Sapagkat sa Diyos ay walang salitang hindi mangyayari." At sinabi ni Maria, "Narito ako na alipin ng Panginoon; mangyari sa akin ang ayon sa iyong salita." Pagkatapos, iniwan siya ng anghel. Nang mga araw na iyon ay tumindig si Maria at nagmadaling pumunta sa isang bayan ng Judea, sa lupaing maburol. Pumasok siya sa bahay ni Zacarias at bumati kay Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at napuno si Elizabeth ng Espiritu Santo. Sumigaw siya nang malakas at sinabi, "Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala ang bunga ng iyong sinapupunan! Bakit nangyari ito sa akin, na ako ay dapat dalawin ng ina ng aking Panginoon? Sapagkat nang ang tinig ng iyong pagbati ay aking nadinig, gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Mapalad ang babaing sumampalataya na matutupad ang mga bagay na sinabi sa kanya ng Panginoon." Sinabi ni Maria, "Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon, at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas. Sapagkat nilingap niya ang abang kalagayan ng kanyang alipin. Sapagkat tiyak na mula ngayon ay tatawagin akong mapalad ng lahat ng salinlahi. Sapagkat siya na makapangyarihan ay gumawa para sa akin ng mga dakilang bagay at banal ang kanyang pangalan. Ang kanyang awa ay sa mga natatakot sa kanya sa lahat ng sali't-saling lahi. Siya'y nagpakita ng lakas sa pamamagitan ng kanyang bisig; pinagwatak-watak niya ang mga palalo sa mga haka ng kanilang puso. Ibinaba niya ang mga makapangyarihan sa kanilang mga trono, at itinaas ang mga may abang kalagayan. Ang mga gutom ay binusog niya ng mabubuting bagay, at ang mayayaman ay pinaalis niya na walang dalang anuman. Tinulungan niya ang Israel na kanyang alipin, bilang pag-alaala sa kanyang kahabagan. Tulad nang sinabi niya sa ating mga magulang, kay Abraham at sa kanyang binhi magpakailanman." Si Maria ay nanatiling kasama niya nang may tatlong buwan, at umuwi siya sa kanyang bahay. Dumating na kay Elizabeth ang panahon ng panganganak at siya'y nagsilang ng isang anak na lalaki. Nabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na nagpakita ang Panginoon ng dakilang awa sa kanya at sila'y nakigalak sa kanya. Nang ikawalong araw ay dumating sila upang tuliin ang sanggol. Siya'y tatawagin sana nila na Zacarias, ayon sa pangalan ng kanyang ama, ngunit sumagot ang kanyang ina at nagsabi, "Hindi. Ang itatawag sa kanya ay Juan." At sinabi nila sa kanya, "Wala kang kamag-anak na may ganitong pangalan." Sinenyasan nila ang kanyang ama, kung ano ang ibig niyang itawag sa sanggol. Humingi siya ng isang sulatan at kanyang isinulat, "Ang kanyang pangalan ay Juan." At namangha silang lahat. Biglang nabuksan ang kanyang bibig, nakalaya ang kanyang dila, at siya'y nagsalita na pinupuri ang Diyos. Nagkaroon ng takot ang lahat ng nakatira sa palibot nila, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pinag-usapan sa buong lupaing maburol ng Judea. Lahat ng mga nakarinig ay inilagay ang mga ito sa kanilang puso, na sinasabi, "Magiging ano nga kaya ang batang ito?" Sapagkat ang kamay ng Panginoon ay sumasakanya. Si Zacarias na kanyang ama ay napuno ng Espiritu Santo at sinabi ang propesiyang ito, "Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, sapagkat kanyang dinalaw at tinubos ang kanyang bayan, at nagtaas ng isang sungay ng kaligtasan para sa atin sa sambahayan ni David na kanyang lingkod, gaya nang sinabi niya sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta mula noong unang panahon, upang tayo ay maligtas mula sa ating mga kaaway, at mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin, upang ipakita ang habag sa ating mga magulang, at alalahanin ang kanyang banal na tipan, ang pangakong sinumpaan niya sa ating amang si Abraham, na ipagkaloob sa atin, na tayong iniligtas mula sa kamay ng ating mga kaaway ay maglingkod sa kanya nang walang takot, sa kabanalan at katuwiran sa harapan niya sa lahat ng ating mga araw. At ikaw, anak, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan, sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang mga daan; upang magbigay ng kaalaman ng kaligtasan sa kanyang bayan, sa pamamagitan ng pagpapatawad sa kanilang mga kasalanan, sa pamamagitan ng magiliw na habag ng ating Diyos, kapag ang pagbubukang-liwayway buhat sa itaas ay sumilay' sa atin, upang bigyang-liwanag ang mga nakaupo sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan, upang patnubayan ang ating mga paa sa daan ng kapayapaan." Lumaki ang sanggol at lumakas sa espiritu. At siya ay nasa mga ilang hanggang sa araw ng kanyang pagpapakita sa Israel. Nang mga araw na iyon ay lumabas ang isang utos mula kay Augusto Cesar upang magpatala ang buong daigdig. Ito ang unang pagtatala na ginawa nang si Quirinio ay gobernador sa Siria. Pumunta ang lahat upang magpatala, bawat isa sa kanyang sariling bayan. Umahon din si Jose mula sa Galilea mula sa bayan ng Nazaret, patungo sa Judea, sa lunsod ni David, na tinatawag na Bethlehem, sapagkat siya'y mula sa sambahayan at lipi ni David, upang magpatalang kasama ni Maria na kanyang magiging asawa, na noon ay malapit nang manganak. Samantalang sila'y naroroon, dumating ang panahon ng kanyang panganganak. At kanyang isinilang ang kanyang panganay na anak na lalaki, binalot niya ito ng mga lampin at inihiga sa isang sabsaban sapagkat walang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan. Sa lupaing iyon ay may mga pastol ng tupa na nasa parang na nagbabantay sa kanilang kawan sa gabi. Tumayo sa tabi nila ang isang anghel ng Panginoon at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa palibot nila, at sila'y lubhang natakot. Kaya't sinabi sa kanila ng anghel, "Huwag kayong matakot, sapagkat narito, dala ko sa inyo ang magandang balita ng malaking kagalakan para sa buong bayan. Sapagkat ipinanganak sa inyo ngayon sa lunsod ni David ang isang Tagapagligtas, na siya ang Cristo, ang Panginoon. Ito ang magiging palatandaan ninyo: Matatagpuan ninyo ang isang sanggol na balot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban." At biglang sumama sa anghel ang isang malaking hukbo ng langit na nagpupuri sa Diyos at nagsasabi, "Luwalhati sa Diyos sa kataas-taasan, at sa lupa'y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya." Nang iwan sila ng mga anghel patungo sa langit, sinabi ng mga pastol sa isa't isa, "Pumunta tayo ngayon sa Bethlehem at tingnan natin ang nangyaring ito na ipinaalam sa atin ng Panginoon." At sila'y nagmamadaling pumunta at kanilang natagpuan sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. Nang makita nila ito, ipinaalam nila sa kanila ang mga sinabi tungkol sa sanggol na ito; at lahat nang nakarinig nito ay namangha sa mga bagay na sinabi sa kanila ng mga pastol. Subalit iningatan ni Maria ang lahat ng mga salitang ito, na pinagbulay-bulay sa kanyang puso. Pagkatapos ay bumalik ang mga pastol na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos dahil sa lahat ng kanilang narinig at nakita, ayon sa sinabi sa kanila. Makaraan ang walong araw, dumating ang panahon upang tuliin ang bata.' Tinawag siyang Jesus, ang pangalang ibinigay ng anghel bago siya ipinaglihi sa sinapupunan. Nang sumapit na ang mga araw ng kanilang paglilinis ayon sa kautusan ni Moises, kanilang dinala siya sa Jerusalem upang iharap siya sa Panginoon (ito ay ayon sa nasusulat sa kautusan ng Panginoon, "Ang bawat panganay na lalaki ay tatawaging banal sa Panginoon"). Sila'y naghandog ng alay alinsunod sa sinasabi sa kautusan ng Panginoon, "dalawang batu-bato, o dalawang batang kalapati." Noon ay may isang lalaki sa Jerusalem na ang pangalan ay Simeon. Ang lalaking ito'y matuwid at masipag sa kabanalan na naghihintay sa kaaliwan ng Israel at nasa kanya ang Espiritu Santo. Ipinahayag sa kanya ng Espiritu Santo na hindi niya makikita ang kamatayan, hanggang sa makita muna niya ang Cristo ng Panginoon. Sa patnubay ng Espiritu ay pumasok siya sa templo. Nang ipasok ng mga magulang sa templo ang sanggol na si Jesus upang gawin sa kanya ang naaayon sa kaugalian sa ilalim ng kautusan, inilagay niya ang sanggol sa kanyang mga bisig, pinuri ang Diyos, at sinabi, "Panginoon, ngayon ay hayaan mong ang iyong alipin ay pumanaw na may kapayapaan, ayon sa iyong salita, sapagkat nakita ng aking mga mata ang iyong pagliligtas, na iyong inihanda sa harapan ng lahat ng mga tao, isang ilaw upang magpahayag sa mga Hentil, at para sa kaluwalhatian ng iyong bayang Israel." Ang ama at ina ng bata ay namangha sa mga bagay na sinasabi tungkol sa kanya. Sila'y binasbasan ni Simeon at sinabi kay Maria na kanyang ina, "Ang batang ito ay itinalaga para sa pagbagsak at pagbangon ng marami sa Israel at pinakatanda na sasalungatin, at tatagos ang isang tabak sa iyong sariling kaluluwa upang mahayag ang iniisip ng marami." Mayroong isang babaing propeta, si Ana na anak ni Fanuel, mula sa lipi ni Aser. Siya ay napakatanda na at may pitong taong namuhay na kasama ng kanyang asawa mula nang sila ay ikasal, at bilang isang balo hanggang walumpu't apat na taong gulang. Hindi siya umalis sa templo kundi sumamba roon na may pag-aayuno at panalangin sa gabi at araw. Pagdating niya sa oras ding iyon, siya'y nagpasalamat sa Diyos at nagsalita nang tungkol sa sanggol sa lahat ng naghihintay para sa katubusan ng Jerusalem. Nang magampanan na nila ang lahat ng mga bagay ayon sa kautusan ng Panginoon, bumalik sila sa Galilea, sa kanilang sariling bayang Nazaret. At lumaki ang bata, lumakas, napuno ng karunungan, at sumasakanya ang biyaya ng Diyos. Noon, taun-taon ay nagtutungo ang kanyang mga magulang sa Jerusalem sa kapistahan ng Paskuwa. Nang siya'y labindalawang taon na, umahon sila ayon sa kaugalian patungo sa kapistahan. Nang matapos na ang kapistahan, sa pagbabalik nila ay nanatili ang batang si Jesus sa Jerusalem, ngunit hindi ito alam ng kanyang mga magulang. Ngunit sa pag-aakala nilang siya'y kasama ng mga manlalakbay, nagpatuloy sila ng isang araw na paglalakbay. Pagkatapos ay kanilang hinahanap siya sa mga kamag-anak at mga kakilala, at nang di nila siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem upang hanapin siya. Pagkalipas ng tatlong araw, kanilang natagpuan siya sa templo na nakaupo sa gitna ng mga guro na nakikinig at nagtatanong sa kanila. Ang lahat ng nakikinig sa kanya ay namangha sa kanyang katalinuhan at sa kanyang mga sagot. Nang siya'y makita nila ay nagtaka sila at sinabi sa kanya ng kanyang ina, "Anak, bakit ginawa mo sa amin ang ganito? Tingnan mo, ang iyong ama at ako ay naghahanap sa iyo na may pag-aalala." Sinabi niya sa kanila, "Bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo nalalaman na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?" At hindi nila naunawaan ang salitang sinabi niya sa kanila. Umuwi siyang kasama nila, at dumating sa Nazaret at naging masunurin sa kanila. Iningatan ng kanyang ina ang mga bagay na ito sa kanyang puso. Lumago si Jesus sa karunungan, sa pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao. Nang ikalabinlimang taon ng paghahari ni Tiberio Cesar, si Poncio Pilato ang gobernador sa Judea, at tetrarka sa Galilea si Herodes. Ang kanyang kapatid na si Felipe ang tetrarka sa lupain ng Iturea at Traconite, at si Lisanias ang tetrarka sa Abilinia, Sa panahon ng mga pinakapunong pari na sina Anas at Caifas, dumating ang salita ng Diyos kay Juan, na anak ni Zacarias, sa ilang. Siya'y nagtungo sa buong lupain sa palibot ng Jordan, na ipinangangaral ang bautismo ng pagsisisi para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Gaya ng nasusulat sa aklat ng mga salita ni propeta Isaias, "Ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang, 'Ihanda ninyo ang daan ng Panginoon, tuwirin ninyo ang kanyang mga landas. Bawat libis ay matatambakan, at bawat bundok at burol ay papatagin, at ang liko ay tutuwirin, at ang mga baku-bakong daan ay papantayin. At makikita ng lahat ng laman ang pagliligtas ng Diyos.' " Kaya't sinabi ni Juan sa napakaraming tao na dumating upang magpabautismo sa kanya, "Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo na tumakas sa poot na darating? Kaya't mamunga kayo ng karapat-dapat sa pagsisisi at huwag ninyong sabihin sa inyong sarili, 'Si Abraham ang aming ama.' Sapagkat sinasabi ko sa inyo na magagawa ng Diyos na magbangon mula sa mga batong ito ng magiging anak ni Abraham. Ngayon pa lamang ay nakalagay na ang palakol sa ugat ng mga punungkahoy. Kaya't ang bawat punungkahoy na di mabuti ang bunga ay pinuputol at itinatapon sa apoy." Tinanong siya ng maraming tao, "Ano ngayon ang dapat naming gawin?" Sumagot siya sa kanila, "Ang may dalawang tunika ay magbahagi sa wala, at ang may pagkain ay gayundin ang gawin." Dumating din ang mga maniningil ng buwis upang magpabautismo at sinabi nila sa kanya, "Guro, ano ang dapat naming gawin?" Sinabi niya sa kanila, "Huwag na kayong sumingil pa ng higit kaysa iniutos sa inyo." Tinanong din siya ng mga kawal, "At kami, anong dapat naming gawin?" At sinabi niya sa kanila, "Huwag kayong mangikil ng salapi kaninuman sa pamamagitan ng dahas o maling paratang at masiyahan kayo sa inyong sahod." Samantalang ang mga tao'y naghihintay, nagtatanong ang lahat sa kanilang mga puso tungkol kay Juan, kung siya ang Cristo. Sumagot si Juan at sinabi sa kanilang lahat, "Binabautismuhan ko kayo ng tubig. Subalit dumarating ang higit na makapangyarihan kaysa akin. Ako'y hindi karapat-dapat magkalag ng panali ng kanyang mga sandalyas. Kayo'y babautismuhan niya sa Espiritu Santo at sa apoy. Nasa kamay niya ang kanyang kalaykay upang linisin ang kanyang giikan at tipunin ang trigo sa kanyang kamalig, subalit susunugin niya ang dayami sa apoy na hindi mapapatay." Kaya't sa iba pang maraming pangaral ay ipinahayag niya sa mga tao ang magandang balita. Subalit si Herodes na tetrarka, na sinumbatan niya dahil kay Herodias na asawa ng kanyang kapatid, at dahil sa lahat ng masasamang bagay na ginawa ni Herodes, ay nagdagdag pa sa lahat ng mga ito sa pamamagitan ng pagpapakulong kay Juan sa bilangguan. Nang mabautismuhan ang buong bayan, at nang mabautismuhan din si Jesus at siya'y nananalangin, ang langit ay nabuksan. At bumaba sa kanya ang Espiritu Santo na may anyong katawan na tulad sa isang kalapati. May isang tinig na nagmula sa langit, "Ikaw ang pinakamamahal kong Anak, sa iyo ako lubos na nalulugod." Si Jesus ay may gulang na tatlumpung taon nang magsimula sa kanyang gawain. Anak siya (ayon sa ipinalagay) ni Jose, ni Eli, ni Matat, ni Levi, ni Melqui, ni Janai, ni Jose, ni Matatias, ni Amos, ni Nahum, ni Esli, ni Nagai, ni Maat, ni Matatias, ni Semein, ni Josec, ni Joda, ni Joanan, ni Resa, ni Zerubabel, ni Salatiel, ni Neri, ni Melqui, ni Adi, ni Cosam, ni Elmadam, ni Er, ni Josue, ni Eliezer, ni Jorim, ni Matat, ni Levi, ni Simeon, ni Juda, ni Jose, ni Jonam, ni Eliakim, ni Melea, ni Mena, ni Matata, ni Natan, ni David, ni Jesse, ni Obed, ni Boaz, ni Salmon, ni Naason, ni Aminadab, ni Admin, ni Ami, ni Hesrom, ni Perez, ni Juda, ni Jacob, ni Isaac, ni Abraham, ni Terah, ni Nahor, ni Serug, ni Reu, ni Peleg, ni Eber, ni Sala, ni Cainan, ni Arfaxad, ni Sem, ni Noe, ni Lamec, ni Matusalem, ni Enoc, ni Jared, ni Mahalaleel, ni Cainan, ni Enos, ni Set, ni Adan, ng Diyos. Si Jesus, na puno ng Espiritu Santo, ay bumalik mula sa Jordan at dinala ng Espiritu sa ilang, na doon ay tinukso siya ng diyablo sa loob ng apatnapung araw. Hindi siya kumain ng anuman sa mga araw na iyon, at nang makalipas ang mga araw na iyon ay nagutom siya. Sinabi sa kanya ng diyablo, "Kung ikaw ang Anak ng Diyos, ipag-utos mo na ang batong ito ay maging tinapay." At sumagot sa kanya si Jesus, "Nasusulat, 'Ang tao ay hindi nabubuhay sa tinapay lamang.' " Pagkatapos ay dinala siya ng diyablo sa isang mataas na lugar at ipinakita sa kanya sa isang saglit ang lahat ng mga kaharian sa sanlibutan. At sinabi sa kanya ng diyablo, "Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapangyarihang ito, at ang kaluwalhatian nila, sapagkat ito'y naibigay na sa akin, at ibinibigay ko kung kanino ko ibig. Kaya't kung sasamba ka sa akin, ang lahat ng ito ay magiging iyo." At sumagot si Jesus sa kanya, "Nasusulat, 'Sambahin mo ang Panginoon mong Diyos, at siya lamang ang iyong paglingkuran. " Pagkatapos ay kanyang dinala siya sa Jerusalem at inilagay siya sa tuktok ng templo, at sinabi sa kanya, "Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka mula rito, sapagkat nasusulat, 'Ipagbibilin ka niya sa mga anghel na ikaw ay ingatan, at, 'Aalalayan ka nila ng kanilang mga kamay, baka masaktan mo ang iyong paa sa isang bato' At sumagot si Jesus sa kanya, "Sinasabi, 'Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Diyos.' " Nang matapos na ng diyablo ang lahat ng panunukso, lumayo siya sa kanya hanggang sa isa pang pagkakataon. Bumalik si Jesus sa Galilea na nasa kapangyarihan ng Espiritu at kumalat ang balita tungkol sa kanya sa palibot ng buong lupain. Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga at pinuri ng lahat. Dumating siya sa Nazaret na kanyang nilakhan. Siya'y pumasok sa sinagoga nang araw ng Sabbath, tulad ng kanyang nakaugalian at tumindig siya upang bumasa, at ibinigay sa kanya ang aklat ni propeta Isaias. Binuksan niya ang aklat, at natagpuan ang dako na kung saan ay nasusulat: "Ang Espiritu ng Panginoon ay nasa akin, sapagkat ako'y hinirangr niya upang ipangaral ang magandang balita sa mga dukha. Ako'y sinugo niya upang ipahayag ang paglaya sa mga bihag, at ang muling pagkakaroon ng paningin sa mga bulag, upang palayain ang mga naaapi, upang ipahayag ang taon ng biyayas mula sa Panginoon." Isinara niya ang aklat, isinauli ito sa tagapaglingkod at naupo. At ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga ay nakatutok sa kanya. At siya'y nagsimulang magsabi sa kanila, "Ngayo'y naganap ang kasulatang ito sa inyong pandinig." Lahat ay nagsalita ng mabuti tungkol sa kanya at namangha sa mga mapagpalang salita na lumabas sa kanyang bibig. At sinabi nila, "Hindi ba ito ay anak ni Jose?" Sinabi niya sa kanila, "Tiyak na sasabihin ninyo sa akin ang kawikaang ito, 'Manggagamot, pagalingin mo ang iyong sarili.' Ang anumang aming narinig na ginawa mo sa Capernaum ay gawin mo rin sa iyong lupain." Sinabi niya, "Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, walang propetang tinatanggap sa kanyang sariling bayan. Ngunit ang totoo, maraming babaing balo sa Israel noong panahon ni Elias, nang sarhan ang langit sa loob ng tatlong taon at anim na buwan at nagkaroon ng malubhang taggutom sa buong lupain. Ngunit si Elias ay hindi sinugo sa kaninuman sa kanila, kundi sa isang babaing balo sa Zarefta, sa lupain ng Sidon. Maraming ketongin sa Israel nang panahon ni propeta Eliseo, at walang sinumang nilinis sa kanila, maliban kay Naaman na taga-Siria." Nang marinig nila ang mga bagay na ito, napuno ng galit ang lahat ng nasa sinagoga. Sila'y tumindig, ipinagtabuyan siya sa labas ng bayan at dinala siya hanggang sa taluktok ng burol na kinatatayuan ng kanilang bayan, upang siya'y ihulog nila nang patiwarik. Ngunit dumaan siya sa gitna nila at siya'y umalis. Siya'y bumaba sa Capernaum, na isang bayan ng Galilea. At siya'y nagturo sa kanila sa araw ng Sabbath. Sila'y namangha sa kanyang pagtuturo, sapagkat ang kanyang salita ay may kapangyarihan. Sa sinagoga ay may isang lalaki na may espiritu ng karumaldumal na demonyo, at siya'y sumigaw nang malakas na tinig, "Ah! anong pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Pumarito ka ba upang kami'y puksain? Kilala kita kung sino ka, ang Banal ng Diyos." Subalit sinaway siya ni Jesus, at sinabi, "Tumahimik ka at lumabas sa kanya!" At nang ang lalaki ay nailugmok ng demonyo sa gitna nila, ay lumabas siya sa lalaki na hindi ito sinaktan. Namangha silang lahat at sinabi sa isa't isa, "Anong salita ito? Sapagkat may awtoridad at kapangyarihang inuutusan niya ang masasamang espiritu at lumalabas sila." Kumalat ang balita tungkol sa kanya sa lahat ng dako sa palibot ng lupaing iyon. Umalis siya sa sinagoga at pumasok sa bahay ni Simon. Noon ay mataas ang lagnat ng biyenang babae ni Simon at pinakiusapan nila si Jesus para sa kanya. Tumayo si Jesus sa tabi niya at kanyang sinaway ang lagnat at umalis ito sa kanya. Kaagad siyang tumayo at naglingkod sa kanila. Nang lumulubog na ang araw, dinala ng lahat sa kanya ang kanilang mga maysakit na sari-sari ang karamdaman at ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa bawat isa sa kanila at sila'y pinagaling. Lumabas din sa marami ang mga demonyo na nagsisisigaw, "Ikaw ang Anak ng Diyos!" Subalit kanyang sinaway sila, at hindi sila pinahintulutang magsalita, sapagkat alam nilang siya ang Cristo. Kinaumagahan, umalis siya at nagtungo sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng napakaraming tao, at lumapit sa kanya. Nais nilang pigilin siya upang huwag niyang iwan sila. Subalit sinabi niya sa kanila, "Kailangan ko ring ipangaral sa ibang bayan ang magandang balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat ako ay sinugo para sa layuning ito." Kaya't siya'y patuloy na nangaral sa mga sinagoga ng Judea. Samantalang sinisiksik si Jesus ng napakaraming tao upang makinig ng salita ng Diyos, siya'y nakatayo sa tabi ng lawa ng Genesaret. Nakakita siya ng dalawang bangka na nasa tabi ng lawa; wala na roon ang mga mangingisda at naghuhugas na ng kanilang mga lambat. Lumulan siya sa isa sa mga bangka na pag-aari ni Simon at hiniling sa kanya na ilayo ito nang kaunti sa lupa. Siya'y umupo at mula sa bangka ay nagturo sa mga tao. Nang matapos na siya sa pagsasalita ay sinabi niya kay Simon, "Pumunta ka sa malalim at ihulog ninyo ang inyong mga lambat upang makahuli." Sumagot si Simon, "Guro, sa buong magdamag ay nagpakapagod kami at wala kaming nahuli. Subalit dahil sa iyong salita ay ihuhulog ko ang mga lambat." Nang magawa nila ito, nakahuli sila ng napakaraming isda, at halos masira ang kanilang mga lambat, kaya't kinawayan nila ang mga kasamahan nilang nasa ibang bangka upang lumapit at tulungan sila. Sila'y lumapit at pinuno ng isda ang dalawang bangka, anupa't sila'y nagpasimulang lumubog. Ngunit nang makita ito ni Simon Pedro, lumuhod siya sa paanan ni Jesus, na nagsasabi, "Lumayo ka sa akin, sapagkat ako'y taong makasalanan, O Panginoon." Sapagkat siya at ang lahat ng kanyang kasama ay namangha dahil sa mga isdang kanilang nahuli, gayundin si Santiago at si Juan, mga anak ni Zebedeo, na mga kasamahan ni Simon. At sinabi ni Jesus kay Simon, "Huwag kang matakot, mula ngayon ay mamamalakaya ka ng mga tao." Nang maitabi na nila sa lupa ang kanilang mga bangka ay iniwan nila ang lahat, at sumunod sa kanya. Samantalang siya'y nasa isa sa mga lunsod, may dumating na isang lalaki na puno ng ketong. Nang makita niya si Jesus, lumuhod siya at nakiusap sa kanya, "Panginoon, kung nais mo ay maaari mo akong linisin." Iniunat niya ang kanyang kamay at siya'y hinawakan at sinabi, "Nais ko, maging malinis ka." At agad nawala ang kanyang ketong. Ipinagbilin niya sa kanya na huwag sabihin kaninuman. "Humayo ka, magpakita ka sa pari, at maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises dahil ikaw ay naging malinis, bilang patotoo sa kanila." Subalit lalo niyang ikinalat ang balita tungkol kay Jesus. Nagtipon ang napakaraming tao upang makinig sa kanya at upang mapagaling sa kanilang mga sakit. Subalit umaalis si Jesus patungo sa ilang at nananalangin. Isang araw, habang siya'y nagtuturo, may nakaupong mga Fariseo at mga guro ng kautusan, na nagmula sa bawat nayon ng Galilea, Judea at Jerusalem; at ang kapangyarihan ng Panginoon ay nasa kanya upang magpagaling. At may dumating na mga lalaking may dalang isang lalaking lumpo na nasa isang higaan at sinikap nilang maipasok ang lumpo sa bahay at mailagay sa harap ni Jesus. Subalit dahil wala silang makitang daan dahil sa dami ng tao, umakyat sila sa bubungan ng bahay at ibinaba siya pati na ang kanyang higaan mula sa binutas nilang bubungan sa gawing gitna, sa harapan ni Jesus. Nang makita niya ang kanilang pananampalataya ay sinabi niya, "Lalaki, pinatatawad ka na sa iyong mga kasalanan." Ang mga eskriba at mga Fariseo ay nagsimulang magtanong, "Sino ba ito na nagsasalita ng mga kalapastanganan? Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan maliban sa Diyos lamang?" Subalit batid ni Jesus ang kanilang mga iniisip at sinabi sa kanila, "Bakit ninyo ito pinag-aalinlanganan sa inyong mga puso? Alin ba ang mas madali, ang sabihing, 'Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan, o ang sabihing, Tumindig ka at lumakad?' Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may awtoridad sa ibabaw ng lupa na magpatawad ng mga kasalanan," — sinabi niya ito sa lumpo, "Sinasabi ko sa iyo, tumindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa bahay mo." Kaagad siyang tumindig sa harapan nila, binuhat ang kanyang hinigaan, at umuwi sa kanyang bahay na niluluwalhati ang Diyos. Labis na namangha ang lahat at niluwalhati nila ang Diyos. Napuno sila ng takot, na nagsasabi, "Nakakita kami ngayon ng mga bagay na kataka-taka." Pagkatapos nito ay umalis si Jesus at nakita ang isang maniningil ng buwis, na ang pangalan ay Levi, na nakaupo sa tanggapan ng buwis. At sinabi niya sa kanya, "Sumunod ka sa akin." Iniwan niya ang lahat, tumayo, at sumunod sa kanya. Ipinaghanda siya ni Levi ng isang malaking piging sa kanyang bahay at napakaraming maniningil ng buwis at iba pa na nakaupong kasalo nila. Nagbulung-bulungan ang mga Fariseo at ang kanilang mga eskriba laban sa kanyang mga alagad na sinasabi, "Bakit kayo'y kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?" umagot si Jesus sa kanila, "Ang malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot kundi ang mga maysakit. Hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan tungo sa pagsisisi." At sinabi nila sa kanya, "Ang mga alagad ni Juan ay malimit mag-ayuno at mag-alay ng mga panalangin, gayundin ang mga alagad ng mga Fariseo, subalit ang sa iyo ay kumakain at umiinom." At sinabi ni Jesus sa kanila, "Maaari bang pag-ayunuhin ninyo ang mga abay sa kasalan samantalang ang lalaking ikakasal ay kasama pa nila? Subalit darating ang mga araw kapag kinuha sa kanila ang lalaking ikakasal, saka pa lamang sila mag-aayuno sa mga araw na iyon." Sinabi rin niya sa kanila ang isang talinghaga: "Walang taong pumipilas sa bagong damit at itinatagpi sa lumang damit. Kapag gayon, mapupunit ang bago at ang tagping mula sa bago ay di bagay sa luma. At walang taong naglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlang balat. Kung gayon, papuputukin ng bagong alak ang mga balat, at matatapon, at masisira ang mga balat. Sa halip, ang bagong alak ay dapat ilagay sa mga bagong sisidlang balat. At walang sinumang matapos uminom ng alak na laon ay magnanais ng bago, sapagkat sinasabi niya, 'Masarap ang laon.' " Isang araw ng Sabbath habang bumabagtas si Jesus sa mga triguhan, ang mga alagad niya ay pumitas ng mga uhay at pagkatapos ligisin sa kanilang mga kamay ay kinain ang mga ito. Subalit sinabi ng ilan sa mga Fariseo, "Bakit ginagawa ninyo ang hindi ipinahihintulot sa araw ng Sabbath?" Sumagot si Jesus, "Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David, nang siya at ang mga kasamahan niya ay nagutom? Siya'y pumasok sa bahay ng Diyos, kinuha at kinain ang tinapay na handog at binigyan pati ang kanyang mga kasamahan na hindi ipinahihintulot kainin maliban ng mga pari lamang?" At sinabi niya sa kanila, "Ang Anak ng Tao ay panginoon ng Sabbath." Nang isa pang Sabbath, siya'y pumasok sa sinagoga at nagturo. Doon ay may isang lalaki na tuyo ang kanang kamay. Ang mga eskriba at ang mga Fariseo ay nagmamatyag sa kanya kung siya'y magpapagaling sa Sabbath upang makakita sila ng maibibintang laban sa kanya. Subalit alam niya ang kanilang mga iniisip at sinabi niya sa lalaki na tuyo ang kamay, "Halika at tumayo ka sa gitna." At siya'y tumindig at tumayo. Sinabi ni Jesus sa kanila, "Itinatanong ko sa inyo, ipinahihintulot ba sa kautusan na gumawa ng mabuti, o gumawa ng masama kung Sabbath? Magligtas ng buhay o pumuksa nito?" At matapos niyang tingnan silang lahat ay sinabi sa kanya, "Iunat mo ang iyong kamay." Gayon nga ang ginawa niya at nanumbalik sa dati ang kanyang kamay. Subalit sila'y napuno ng matinding galit at pinag-usapan nila kung ano ang maaari nilang gawin kay Jesus. Nang mga araw na iyon, siya ay nagtungo sa bundok upang manalangin at ginugol ang buong magdamag sa pananalangin sa Diyos. Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad at siya'y pumili mula sa kanila ng labindalawa na itinalaga niyang mga apostol: si Simon, na tinawag niyang Pedro, si Andres na kanyang kapatid, si Santiago, si Juan, si Felipe, si Bartolome, si Mateo, si Tomas, si Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na tinatawag na Masigasig, at si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote na naging taksil. Bumaba siya na kasama nila at tumayo sa isang patag na lugar. Naroon ang marami sa kanyang mga alagad at ang napakaraming tao buhat sa Judea at sa Jerusalem at sa baybayin ng Tiro at Sidon, na pumaroon upang makinig sa kanya at ma-pagaling sa kanilang mga sakit; at ang mga pinahirapan ng masasamang espiritu ay pinagaling. Pinagsikapan ng lahat na siya'y mahipo, sapagkat may kapangyarihang nanggagaling sa kanya at pinagaling niya ang lahat. Tumingin siya sa kanyang mga alagad at sinabi, "Mapapalad kayong mga dukha, sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos. Mapapalad kayong nagugutom ngayon, sapagkat kayo'y bubusugin. Mapapalad kayong tumatangis ngayon sapagkat kayo'y tatawa. Mapapalad kayo kung kayo'y kapootan ng mga tao, kung kayo'y layuan at kayo'y alipustain, at itakuwil ang inyong pangalan na tila masama dahil sa Anak ng Tao. Magalak kayo sa araw na iyon at lumukso kayo sa tuwa, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit, sapagkat gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta. "Subalit kahabag-habag kayong mayayaman, sapagkat tinanggap na ninyo ang inyong kaaliwan. "Kahabag-habag kayong mga busog ngayon, sapagkat kayo'y magugutom. "Kahabag-habag kayong tumatawa ngayon, sapagkat kayo'y magluluksa at magsisiiyak. "Kahabag-habag kayo kapag ang lahat ng mga tao ay nagsasabi ng mabuti tungkol sa inyo, sapagkat gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta. "Subalit sinasabi ko sa inyo na mga nakikinig, Ibigin ninyo ang inyong mga kaaway, gawan ninyo ng mabuti ang mga napopoot sa inyo, pagpalain ninyo ang mga sumusumpa sa inyo at ipanalangin ninyo ang mga umaapi sa inyo. Sa sinumang sumampal sa iyo sa pisngi, iharap mo naman ang kabila, at sa sinumang umagaw ng iyong balabal, huwag mong ipagkait pati ang iyong tunika. Bigyan mo ang bawat humihingi sa iyo; at kapag inagaw ng sinuman ang iyong ari-arian, huwag mo nang bawiin ang mga iyon. Kung ano ang ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, gayundin ang gawin ninyo sa kanila. Kung kayo'y umiibig sa mga umiibig sa inyo, ano ang mapapala ninyo? Ang mga makasalanan man ay umiibig sa mga umiibig sa kanila. At kung gumawa kayo ng mabuti sa mga gumagawa sa inyo ng mabuti, ano ang mapapala ninyo? Sapagkat gayundin ang ginagawa ng mga makasalanan. Kung kayo'y magpahiram lamang sa mga taong mayroon kayong inaasahang tatanggapin, ano ang mapapala ninyo? Ang mga makasalanan man ay nagpapahiram sa mga makasalanan, upang tanggapin nilang muli ang gayunding halaga. Subalit ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti, magpahiram kayo na hindi umaasa ng kapalit. Malaki ang magiging gantimpala ninyo, at kayo'y magiging mga anak ng Kataas-taasan, sapagkat siya'y mabait sa mga di-mapagpasalamat at sa masasama. Maging maawain kayo, gaya ng inyong Ama na maawain. "Huwag kayong humatol at hindi kayo hahatulan. Huwag kayong humusga at hindi kayo huhusgahan. Magpatawad kayo at kayo'y patatawarin. Magbigay kayo at iyon ay ibibigay sa inyo — hustong takal, siniksik, niliglig, at umaapaw, ang ilalagay nila sa inyong kandungan. Sapagkat sa panukat na inyong ipanukat ay doon din kayo susukatin. Sinabi naman niya sa kanila ang isang talinghaga: "Maaari bang akayin ng bulag ang isa pang bulag? Hindi kaya sila kapwa mahulog sa hukay? Ang alagad ay hindi nakahihigit sa kanyang guro, subalit ang sinumang ganap na sinanay ay nagiging tulad na ng kanyang guro. Bakit mo nakikita ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo napupuna ang troso na nasa iyong sariling mata? Paano mo masasabi sa iyong kapatid, 'Kapatid hayaan mong alisin ko ang puwing na nasa iyong mata,' samantalang hindi mo nakikita ang troso na nasa iyong sariling mata? Ikaw na mapagkunwari, alisin mo muna ang troso na nasa iyong sariling mata, at makakakita ka nang malinaw upang maalis mo ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid. "Sapagkat walang mabuting punungkahoy na nagbubunga ng masama, at wala rin namang masamang punungkahoy na mabuti ang bunga. Sapagkat ang bawat punung-kahoy ay nakikilala sa kanyang sariling bunga. Sapagkat ang mga igos ay di naaani mula sa mga tinikan at hindi napipitas ang mga ubas sa dawagan. Ang mabuting tao mula sa mabuting kayamanan ng kanyang puso ay nagbubunga ng kabutihan. At ang masamang tao mula sa masamang kayamanan ay nagbubunga ng kasamaan. Sapagkat mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kanyang bibig. "Bakit tinatawag ninyo akong, 'Panginoon, Panginoon,' ngunit hindi ninyo ginagawa ang sinasabi ko? Ipapakita ko sa inyo kung ano ang katulad ng bawat lumalapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at ginagawa ang mga ito. Siya'y tulad sa isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay ng malalim at inilagay ang pundasyon sa ibabaw ng bato. Nang dumating ang isang baha, humampas ang tubig sa bahay na iyon, ngunit hindi ito natinag, sapagkat mahusay ang pagkakatayonito. Subalit ang nakikinig at hindi ginagawa ang mga ito ay tulad sa isang tao na nagtayo ng bahay sa lupa na walang pundasyon. Nang ito'y hampasin ng ilog ay kaagad na nagiba at malaki ang pagkasira ng bahay na iyon." Nang matapos na ni Jesus ang kanyang mga salita sa pandinig ng mga tao, pumasok siya sa Capernaum. May isang senturion doon na may aliping minamahal niya na maysakit at malapit nang mamatay. Nang marinig niya ang tungkol kay Jesus, isinugo niya sa kanya ang matatanda sa mga Judio, na nakikiusap sa kanya na pumunta at pagalingin ang kanyang alipin. Nang dumating sila kay Jesus, nakiusap silang mabuti sa kanya na sinasabi, "Siya ay karapat-dapat na gawan mo nito, sapagkat mahal niya ang ating bansa at nagtayo siya ng sinagoga para sa atin." At si Jesus ay sumama sa kanila. Nang siya'y nasa di kalayuan sa bahay, nagsugo ang senturion ng mga kaibigan sa kanya na nagsasabi sa kanya, "Panginoon, huwag ka nang mag-abala pa, sapagkat hindi ako karapat-dapat na ikaw ay papasukin sa ilalim ng aking bubungan; kaya, hindi ko itinuring ang aking sarili na karapat-dapat na lumapit sa iyo. Ngunit sabihin mo ang salita at hayaang gumaling ang aking alipin. Sapagkat ako man ay taong inilagay sa ilalim ng kapangyarihan at may mga kawal na nasasakupan ko. At sinasabi ko sa isa, 'Humayo ka' at siya'y humahayo; at sa isa naman, 'Halika, at siya'y lumalapit; at sa aking alipin, 'Gawin mo ito,' at ito'y kanyang ginagawa." Nang marinig ni Jesus ang mga bagay na ito ay namangha siya sa kanya. Lumingon siya at sinabi sa maraming tao na sumusunod sa kanya, "Sinasabi ko sa inyo, maging sa Israel ay hindi pa ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya." At nang ang mga sugo ay bumalik na sa bahay, nadatnan nilang magaling na ang alipin. Kinabukasan siya ay tumuloy sa isang bayan na tinatawag na Nain, kasama ang kanyang mga alagad at ang napakaraming tao. At nang siya'y papalapit na sa pintuan ng bayan, inilalabas ang isang taong namatay. Siya'y nag-iisang anak na lalaki ng kanyang ina na isang balo. Kasama niya ang napakaraming tao mula sa bayan. Nang makita siya ng Panginoon, siya'y nahabag sa balo at sinabi rito, "Huwag kang umiyak." Siya'y lumapit at hinipo ang kabaong at ang mga nagbubuhat ay tumigil. At sinabi niya, "Binata, sinasabi ko sa iyo, 'Bumangon ka.'" Umupo ang patay at nagpasimulang magsalita. At siya'y ibinigay ni Jesus sa kanyang ina. Sinakmal ng takot ang lahat at niluwalhati nila ang Diyos, na sinasabi, "Lumitaw sa gitna natin ang isang dakilang propeta at dinalaw ng Diyos ang kanyang sambayanan." Ang balitang ito tungkol sa kanya ay kumalat sa buong Judea at sa lahat ng nakapaligid na lupain. Ibinalita sa kanya ng mga alagad ni Juan ang lahat ng mga bagay na ito. Kaya't tinawag ni Juan ang dalawa sa kanyang mga alagad at sinugo sila sa Panginoon na nagsasabi, "Ikaw ba ang darating o maghihintay pa kami ng iba?" At pagdating ng mga lalaki kay Jesus ay kanilang sinabi, "Sinugo kami sa iyo ni Juan na Tagapagbautismo na nagsasabi, 'Ikaw ba ang darating o maghihintay pa kami ng iba?'" Nang oras na iyon ay pinagaling ni Jesus ang marami sa mga sakit, salot at masasamang espiritu, at ang maraming bulag ay binigyan niya ng paningin. At sumagot siya sa kanila, "Humayo kayo at sabihin ninyo kay Juan ang inyong nakikita at naririnig: ang mga bulag ay nakakakita, ang mga pilay ay nakakalakad, ang mga ketongin ay nalilinis, ang mga bingi ay nakakarinig, ang mga patay ay muling binubuhay, sa mga dukha ay ipinangangaral ang magandang balita. At mapalad ang sinumang hindi natitisod sa akin." Nang makaalis na ang mga sugo ni Juan ay nagpasimula siyang magsalita sa maraming tao tungkol kay Juan. 'Ano ang pinuntahan ninyo sa ilang upang makita? Isa bang tambo na inuuga ng hangin? Subalit ano ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang taong nakasuot ng mga damit na malambot? Masdan ninyo, ang nagdadamit ng magagara at namumuhay ng marangya ay nasa mga palasyo ng mga hari. Subalit ano ang pinuntahan ninyo upang makita? Isa bang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo, at higit pa sa isang propeta. Ito yaong tungkol sa kanya ay nasusulat, 'Narito, ipinapadala ko ang aking sugo sa iyong unahang na maghahanda ng iyong daan sa iyong harapan.' Sinasabi ko sa inyo, sa mga ipinanganak ng mga babae ay walang higit na dakila kay Juan, subalit ang pinakamaliit sa kaharian ng Diyos ay higit na dakila kaysa kanya." (Nang marinig ito ng buong bayan at ng mga maniningil ng buwis ay kanilang kinilala ang katuwiran ng Diyos, sapagkat sila ay nagpabautismo sa bautismo ni Juan. Subalit tinanggihan ng mga Fariseo at ng mga dalubhasa sa Kautusan ang layunin ng Diyos para sa kanila sa hindi nila pagpapabautismo sa kanya.) "Sa ano ko nga ihahambing ang mga tao ng lahing ito at ano ang kanilang katulad? Tulad sila sa mga batang nakaupo sa pamilihan at sumisigaw sa isa't isa, na sinasabi, 'Tinutugtugan namin kayo ng plauta at hindi kayo sumayaw; tumangis kami at hindi kayo umiyak.' Sapagkat dumating si Juan na Tagapagbautismo na hindi kumakain ng tinapay at hindi umiinom ng alak at inyong sinasabi, 'Siya'y may demonyo.' Dumating ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom at inyong sinasabi, 'Tingnan ninyo, ang isang taong matakaw at maglalasing, kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!' Kaya't ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng lahat ng kanyang mga anak." Isa sa mga Fariseo ay humiling kay Jesus na kumaing kasalo niya, at pagpasok niya sa bahay ng Fariseo siya'y naupo sa hapag. Nang malaman ng isang babaing makasalanan sa lunsod na siya'y nakaupo sa hapag sa bahay ng Fariseo, nagdala ito ng isang sisidlang alabastro na may pabango. At tumayo siyang umiiyak sa likuran sa may paanan ni Jesus. Pinasimulan niyang basain ang kanyang mga paa ng kanyang mga luha, pinunasan ang mga ito ng kanyang buhok. Patuloy niyang hinagkan ang mga paa ni Jesus at binuhusan ang mga ito ng pabango. Nang makita ito ng Fariseo na nag-anyaya sa kanya ay sinabi nito sa kanyang sarili, "Kung ang taong ito ay isang propeta, nakilala sana niya kung sino at anong uring babae itong humihipo sa kanya, sapagkat siya'y makasalanan." At pagsagot ni Jesus ay sinabi niya sa kanya, "Simon, mayroon akong sasabihin sa iyo." At sinabi niya, "Guro, sabihin mo." May dalawang taong nanghiram sa isang taong nagpapautang. Ang isa'y umutang ng limang daang denario at ang isa'y limampu. Nang sila'y walang maibayad, pareho niyang pinatawad sila. Ngayon, alin sa kanila ang higit na magmamahal sa kanya? Sumagot si Simon, "Sa palagay ko ay iyong pinatawad niya ng mas malaki." At sinabi niya sa kanya, "Tama ang hatol mo." At pagharap niya sa babae ay sinabi niya kay Simon, "Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay, hindi mo ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa, subalit binasa niya ang aking mga paa ng kanyang mga luha at pinunasan ang mga ito ng kanyang buhok. Hindi mo ako hinalikan, subalit buhat nang ako'y pumasok ay hindi pa siya humihinto ng paghalik sa aking mga paa. Hindi mo binuhusan ng langis ang aking ulo, subalit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa. Kaya't sinasabi ko sa inyo, ang marami niyang kasalanan ay pinatawad na, sapagkat siya ay nagmahal ng malaki. Subalit ang pinatatawad ng kaunti ay nagmamahal nang kaunti." At sinabi niya sa babae, "Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan." Pagkatapos, ang mga kasalo niya sa hapag ay nagpasimulang nagsabi sa isa't isa, "Sino ba ito, na nagpapatawad ng mga kasalanan?" At sinabi niya sa babae, "Iniligtas ka ng iyong pananampalataya, humayo kang payapa." Pagkatapos nito, siya'y nagtungo sa bawat lunsod at mga nayon na ipinangangaral at ipinahahayag ang magandang balita ng kaharian ng Diyos. Kasama niya ang labindalawa, at ang ilang babae na pinagaling mula sa masasamang espiritu at sa mga sakit: si Maria na tinatawag na Magdalena, na mula sa kanya'y pitong demonyo ang lumabas, si Juana na asawa ni Chuza, na katiwala ni Herodes, at si Susana at marami pang iba na nagkaloob sa kanila' mula sa kanilang mga ari-arian. Nang magtipon ang napakaraming tao at dumating ang mga tao mula sa bayan-bayan ay nagsalita siya sa pamamagitan ng isang talinghaga: "Ang isang manghahasik ay humayo upang maghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik, ang ilan ay nahulog sa tabi ng daan, napagyapakan, at ito'y kinain ng mga ibon sa himpapawid. Ang iba'y nahulog sa bato at sa pagtubo nito, ito ay natuyo, sapagkat walang halumigmig. At ang iba'y nahulog sa mga tinikan, at ang mga tinik ay tumubong kasama nito at ito'y sinakal. At ang iba'y nahulog sa mabuting lupa, tumubo, at nagbunga ng tig-iisang daan." Pagkatapos niyang sabihin ang mga bagay na ito, siya ay sumigaw, "Ang may mga taingang pandinig ay makinig." Nang tanungin siya ng kanyang mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinghagang ito, sinabi niya, "Sa inyo ipinagkaloob na malaman ang mga hiwaga ng kaharian ng Diyos; subalit sa iba'y nagsasalita ako sa mga talinghaga upang sa pagtingin ay hindi sila makakita, at sa pakikinig ay hindi sila makaunawa. "Ngayon, ito ang talinghaga: Ang binhi ay ang salita ng Diyos. Ang mga nasa tabi ng daan ay ang mga nakinig, pagkatapos ay du mating ang diyablo, at inagaw ang salita mula sa kanilang mga puso upang hindi sila sumampalataya at maligtas. At ang mga nasa bato ay sila na pagkatapos makarinig ay tinanggap na may galak ang salita, subalit ang mga ito'y walang ugat; sila'y sumampalataya nang sandaling panahon lamang at sa panahon ng pagsubok ay tumalikod. Ang nahulog naman sa tinikan ay ang mga nakinig subalit sa kanilang pagpapatuloy ay sinakal sila ng mga alalahanin, mga kayamanan, at mga kalayawan sa buhay at ang kanilang bunga ay hindi gumulang. At ang nahulog samabuting lupa ay sila na pagkatapos marinig ang salita, ay iningatan ito sa isang tapat at mabuting puso at nagbubunga na maypagtitiyaga. "Walang taong pagkatapos magsindi ng ilawan ay tinatakpan ito ng isang takalan, o kaya'y inilalagay ito sa ilalim ng higaan, kundi inilalagay ito sa talagang lalagyan upang makita ng mga pumapasok ang liwanag. Sapagkat walang nakatago na hindi mahahayag o walang lihim na di malalaman at malalantad sa liwanag. Kaya't mag-ingat kayo kung paano kayo nakikinig, sapagkat siyang mayroon ay lalo pang bibigyan at ang sinumang wala, pati na ang inaakala niyang nasa kanya ay kukunin." Pagkatapos ay pumaroon sa kanya ang kanyang ina at mga kapatid na lalaki, subalit hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. At may nagsabi sa kanya, "Ang iyong ina at ang iyong mga kapatid na lalaki ay nakatayo sa labas; nais nilang makita ka." Subalit sinabi niya sa kanila, "Ang aking ina at ang aking mga kapatid ay ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at ginagawa ito." Isa sa mga araw na iyon, siya'y lumulan sa isang bangka kasama ang kanyang mga alagad at sinabi niya sa kanila, "Tumawid tayo sa kabilang panig ng lawa." At sila'y naglayag. Samantalang sila'y naglalayag siya'y nakatulog. Dumating ang unos sa lawa, at sila'y napupuno ng tubig at nanganganib. Sila'y lumapit at ginising siya na nagsasabi, "Guro, Guro, tayo'y napapahamak!" Siya'y gumising at sinaway ang hangin at ang pagngangalit ng tubig. Ang mga ito'y huminto at nagkaroon ng kapayapaan. Sinabi niya sa kanila, "Nasaan ang inyong pananampalataya?" At sila'y natakot at namangha, at sinabi sa isa't isa, "Sino nga kaya ito, na kanyang inuutusan maging ang hangin at tubig at sila'y sumusunod sa kanya?" Pagkatapos sila'y dumating sa lupain ng mga Gadareno, na katapat ng Galilea. At pagbaba niya sa lupa, siya'y sinalubong ng isang lalaking galing sa bayan na may mga demonyo. Matagal na siyang hindi nagsusuot ng damit" at hindi tumitira sa bahay, kundi sa mga libingan. Nang makita niya si Jesus, siya'y sumigaw, lumuhod sa harapan niya, at nagsalita sa malakas na tinig, "Anong pakialam mo sa akin, Jesus, Anak ng Diyos na Kataas-taasan? Nakikiusap ako sa iyo, huwag mo akong pahirapan." Sapagkat ipinag-utos niya sa masamang espiritu na lumabas sa tao. Madalas siyang inaalihan nito kaya't siya'y binabantayan at iginagapos ng mga tanikala at mga posas, subalit kanyang pinapatid ang mga gapos at siya'y itinaboy ng demonyo sa mga ilang. At tinanong siya ni Jesus, "Anong pangalan mo?" At sinabi niya, "Lehiyon;" sapagkat maraming demonyo ang pumasok sa kanya. Sila ay nakiusap sa kanya na huwag silang utusang bumalik sa di matarok na kalaliman. At may isang kawan ng maraming baboy na nanginginain sa burol. Nakiusap sila sa kanya na hayaan silang pumasok sa mga ito. At sila'y pinayagan niya. Pagkatapos ay lumabas ang mga demonyo sa tao, at pumasok sa mga baboy at ang kawan ay dumaluhong sa bangin patungo sa lawa at nalunod. Nang makita ng mga tagapag-alaga ang nangyari, tumakbo sila at ibinalita iyon sa lunsod at sa kabukiran. At dumating ang mga tao upang tingnan ang nangyari. Lumapit sila kay Jesus at kanilang nadatnan ang taong nilisan ng mga demonyo na nakaupo sa paanan ni Jesus na may damit at matino ang pag-iisip nito; at sila'y natakot. Ibinalita sa kanila ng mga nakakita kung paano pinagaling ang inalihan ng mga demonyo. At nakiusap kay Jesus ang lahat ng mga tao sa palibot ng lupain ng mga Gadareno na umalis na siya sa kanila, sapagkat sila'y lubhang natakot. Siya'y sumakay sa bangka at bumalik. Subalit ang taong nilisan ng mga demonyo ay nakiusap na siya'y makasama niya. Subalit siya'y pinaalis niya, na sinasabi, "Bumalik ka sa iyong bahay at isalaysay mo ang lahat ng mga ginawa ng Diyos para sa iyo." At siya'y umalis na ipinahahayag sa buong lunsod ang lahat ng mga ginawa ni Jesus sa kanya. At nang bumalik si Jesus, masaya siyang tinanggap ng maraming tao, sapagkat silang lahat ay naghihintay sa kanya. At noon ay dumating ang isang lalaking ang pangalan ay Jairo, na isang pinuno sa sinagoga. At pagluhod niya sa paanan ni Jesus, siya ay nakiusap sa kanya na pumunta sa kanyang bahay, sapagkat siya'y mayroong kaisa-isang anak na babae, mga labindalawang taong gulang, at ito'y naghihingalo. Sa kanyang pagpunta, siniksik siya ng maraming tao. May isang babae na labindalawang taon nang dinudugo, at di mapagaling ng sinuman, na lumapit sa kanyang likuran, hinawakan ang laylayan ng kanyang damit, at agad na tumigil ang kanyang pagdurugo. Sinabi ni Jesus, "Sino ang hu mawak sa akin?" Nang tumatanggi ang lahat, sinabi ni Pedro, "Guro, pinapalibutan ka at sinisiksik ng na pakaraming tao." Subalit sinabi ni Jesus, "May humawak sa akin, sapagkat alam ko na may kapangyarihang umalis sa akin." At nang makita ng babae na siya'y hindi natatago, nangangatal siyang lumapit at nagpatirapa sa harapan niya. Kanyang sinabi sa harapan ng mga tao kung bakit niya hinawakan si Jesus at kung paanong siya ay kaagad gumaling. At sinabi niya sa kanya, "Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya, humayo kang payapa." Habang nagsasalita pa siya, may isang dumating na mula sa bahay ng pinuno ng sinagoga na nagsasabi, "Patay na ang anak mong babae; huwag mo nang abalahin pa ang Guro." Subalit nang marinig ito ni Jesus ay sumagot sa kanya, "Huwag kang matakot. Sumampalataya ka lamang at siya'y gagaling." Nang dumating siya sa bahay, hindi niya ipinahintulot na pumasok na kasama niya ang sinuman, maliban kina Pedro, Juan, Santiago, at ang ama at ina ng bata. Umiiyak ang lahat at tinatangisan siya. Subalit sinabi ni Jesus, "Huwag kayong umiyak, sapagkat siya'y hindi patay, kundi natutulog." At kanilang pinagtawanan siya, dahil ang alam nila'y patay na ang bata. Subalit paghawak niya sa kanyang kamay, siya'y tumawag at sinabi, "Bata, bumangon ka." Bumalik ang kanyang espiritu at bumangon siya kaagad. Ipinag-utos ni Jesus na bigyan ng makakain ang bata. At namangha ang kanyang mga magulang, subalit ipinagbilin ni Jesus sa kanila na huwag sabihin kaninuman ang nangyari. Pagkatapos ay tinipon ni Jesus ang labindalawa, at binigyan sila ng kapangyarihan at awtoridad sa lahat ng mga demonyo at magpagaling ng mga sakit. Sila'y sinugo niya upang ipangaral ang kaharian ng Diyos at upang magpagaling ng mga may sakit. At sinabi niya sa kanila, "Huwag kayong magdala ng kahit ano sa inyong paglalakbay, kahit tungkod man, o supot, o tinapay, o salapi, at huwag ding magkaroon ng dalawang tunika. Sa alinmang bahay kayo pumasok, doon kayo tumigil, at buhat doo'y umalis kayo. Saanman kayo hindi tanggapin, sa pag-alis ninyo sa bayang iyon ay ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa, bilang patotoo laban sa kanila." At sila'y umalis at nagtungo sa lahat ng mga nayon na ipinangangaral ang magandang balita at nagpapagaling ng mga sakit sa lahat ng lugar. Nabalitaan noon ni Herodes na tetrarka ang lahat nang nangyari at siya'y naguluhan, sapagkat sinasabi ng ilan na si Juan ay muling binuhay mula sa mga patay, at ng ilan na si Elias ay nagpakita, at ng mga iba, na isa sa mga propeta noong unang panahon ay bumangon. Sinabi ni Herodes, "Si Juan ay pinugutan ko ng ulo, subalit sino ang taong ito na marami akong naririnig tungkol sa kanya na gayong mga bagay?" At pinagsikapan niyang makita si Jesus. Sa kanilang pagbabalik, ibinalita ng mga apostol kay Jesus ang mga bagay na kanilang ginawa. Kanyang isinama sila at palihim na nagtungo sa isang bayan na tinatawag na Bethsaida. Subalit nang malaman ito ng napakaraming tao, sila ay sumunod sa kanya. Sila'y masaya niyang tinanggap at nagsalita sa kanila tungkol sa kaharian ng Diyos at pinagaling niya ang mga nangangailangan ng pagpapagaling. Nang patapos na ang araw na iyon, lumapit ang labindalawa at sinabi sa kanya, "Paalisin mo ang mga tao upang sila'y makapunta sa mga nayon at sa mga lupaing nasa palibot at makahanap ng matutuluyan at makakain, sapagkat tayo'y narito sa isang ilang na dako." Subalit sinabi niya sa kanila, "Bigyan ninyo sila ng makakain." At sinabi nila, "Mayroon tayong hindi hihigit sa limang tinapay at dalawang isda, malibang kami'y umalis at bumili ng pagkain para sa lahat ng mga taong ito." Sapagkat mayroon doong halos limang libong lalaki at sinabi niya sa kanyang mga alagad, "Paupuin ninyo sila ng pangkat-pangkat na may tiglilimampu bawat isa." Ginawa nila iyon at pinaupo silang lahat. At pagkakuha niya sa limang tinapay at sa dalawang isda, tumingala siya sa langit, pinagpala, at pinagputul-putol ang mga ito. Ibinigay niya ang mga ito sa mga alagad upang ihain sa napakaraming tao. Silang lahat ay kumain at nabusog at pinulot nila ang lahat ng natira, labindalawang kaing ng mga pinagputul-putol. Minsan, nang si Jesus ay nananalanging mag-isa, ang mga alagad ay kasama niya at tinanong niya sila, 'Ano ang sinasabi ng karamihan kung sino ako?" Sila'y sumagot, "Si Juan na Tagapagbautismo; subalit sinasabi ng iba, si Elias; at ng iba, na isa sa mga propeta noong unang panahon ay muling nabuhay." At sinabi niya sa kanila, "Subalit ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?" At sumagot si Pedro, "Ang Cristo ng Diyos." Subalit kanyang ipinagbilin at ipinag-utos sa kanila na huwag itong sabihin kahit kanino, na sinasabi, 'Ang Anak ng Tao ay kailangang magdusa ng maraming bagay at itakuwil ng matatanda at ng mga punong pari at mga eskriba, at patayin, at sa ikatlong araw ay muling bubuhayin." At sinabi niya sa lahat, "Kung ang sinuman ay nagnanais sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili at magpasan ng kanyang krus araw-araw at sumunod sa akin. Sapagkat ang sinumang nagnanais na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito, subalit sinumang mawalan ng kanyang buhay dahil sa akin ay maililigtas niya ito. Sapagkat ano ang mapapakinabang ng tao, kung makamit niya ang buong sanlibutan, ngunit mawawala o mapapahamak naman ang kanyang sarili? Sapagkat ang sinumang ikahiya ako at ang aking mga salita ay ikahihiya siya ng Anak ng Tao, pagdating niya na nasa kanyang kaluwalhatian, at sa kaluwalhatian ng Ama, at ng mga banal na anghel. Subalit tunay na sinasabi ko sa inyo, may ilan sa nakatayo rito na hindi makakalasap ng kamatayan, hanggang sa makita nila ang kaharian ng Diyos." At pagkaraan ng mga walong araw pagkatapos ng mga salitang ito, isinama ni Jesust sina Pedro, Juan, at Santiago, at umahon sa bundok upang manalangin. Samantalang siya'y nananalangin, ang anyo ng kanyang mukha ay nagbago at ang kanyang damit ay naging nakasisilaw na puti. At biglang may dalawang lalaking nakikipag-usap sa kanya, sina Moises at Elias, na nagpakita sa kaluwalhatian at nag-usap tungkol sa pagpanaw niya na malapit na niyang isakatuparan sa Jerusalem. Si Pedro at ang kanyang mga kasamahan ay nakatulog nang mahimbing, subalit nang sila'y nagising ay nakita nila ang kanyang kaluwalhatian at ang dalawang lalaking nakatayong kasama niya. At samantalang sila'y papalayo sa kanya, sinabi ni Pedro kay Jesus, "Panginoon, mabuti na tayo'y dumito. Gumawa tayo ng tatlong tolda, isa sa iyo, isa kay Moises, at isa kay Elias," na hindi nalalaman ang kanyang sinabi. Samantalang sinasabi niya ang mga bagay na ito, dumating ang isang ulap, at sila'y nililiman. Sila'y natakot nang sila'y pumasok sa ulap. At may tinig na nanggaling sa ulap na nagsasabi, "Ito ang aking Anak, ang aking Pinili, makinig kayo sa kanya!" Pagkatapos magsalita ng tinig, si Jesus ay natagpuang nag-iisa. At sila'y nanatiling tahimik at hindi sinabi kanino man ng mga araw na iyon ang alinman sa mga bagay na kanilang nakita. Nang sumunod na araw, pagbaba nila mula sa bundok ay sinalubong siya ng napakaraming tao. At may isang lalaki mula sa maraming tao ang sumigaw, "Guro, nakikiusap ako sa iyo na tingnan mo ang aking anak na lalaki, sapagkat siya'y aking kaisa-isang anak. Walang anu-ano'y inaalihan siya ng isang espiritu at biglang nagsisigaw. Siya'y pinangingisay nito hanggang sa bumula ang kanyang bibig, at siya'y binubugbog, at halos ayaw siyang hiwalayan. Hiniling ko sa iyong mga alagad na palayasin ito subalit hindi nila kaya." Sumagot si Jesus, "O lahing walang pananampalataya at napakasama, hanggang kailan ako makikisama sa inyo at magtitiis sa inyo? Dalhin mo rito ang iyong anak." Samantalang siya'y lumalapit ay itinumba siya ng demonyo, at pinapangisay. Subalit sinaway ni Jesus ang karumaldumal na espiritu, pinagaling ang bata, at isinauli siya sa kanyang ama. Ang lahat ay namangha sa kadakilaan ng Diyos. Subalit habang ang lahat ay namamangha sa lahat ng kanyang ginagawa ay sinabi niya sa kanyang mga alagad, "Hayaang ang mga salitang ito ay pumasok sa inyong mga tainga, sapagkat ang Anak ng Tao ay ibibigay sa mga kamay ng mga tao." Subalit hindi nila naunawaan ang pananalitang ito at ito'y inilihim sa kanila, upang ito'y hindi nila mabatid. At natakot silang magtanong sa kanya tungkol sa salitang ito. Nagkaroon ng isang pagtatalo sa kanila kung sino sa kanila ang pinakadakila. Subalit dahil batid ni Jesus ang iniisip ng kanilang puso, kumuha siya ng isang maliit na bata at inilagay sa kanyang tabi. At sinabi sa kanila, "Sinumang tumanggap sa maliit na batang ito sa aking pangalan ay tinatanggap ako, at ang sinumang tumanggap sa akin, ay tinatanggap ang nagsugo sa akin, sapagkat ang pinakahamak sa inyong lahat ay siyang dakila." Sumagot si Juan, "Panginoon, may nakita kaming nagpapalayas ng mga demonyo sa pangalan mo at aming pinagbawalan siya, sapagkat hindi siya sumusunod na kasama namin." Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, "Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat ang hindi laban sa inyo ay kapanalig ninyo." Nang malapit na ang mga araw upang siya'y tanggapin sa itaas, itinutok niya ang kanyang sarili sa pagpunta sa Jerusalem. Nagpadala siya ng mga sugo na una sa kanya. Humayo sila at pumasok sa isang nayon ng mga Samaritano upang maghanda para sa kanya. Subalit hindi nila tinanggap siya, sapagkat siya ay nakatutok sa Jerusalem. At nang makita ito nina Santiago at Juan na kanyang mga alagad ay sinabi nila, "Panginoon, ibig mo bang kami ay magpababa ng apoy mula sa langit upang sila'y tupukin?" Subalit humarap siya at sila'y sinaway At sila'y pumunta sa ibang nayon. Habang naglalakad sila sa daan ay may nagsabi sa kanya, "Ako'y susunod sa iyo saan ka man magpunta." At sinabi sa kanya ni Jesus, "Ang mga asong-gubat ay may mga lungga at ang mga ibon sa himpapawid ay may mga pugad, subalit ang Anak ng Tao ay walang mapaghiligan man lamang ng kanyang ulo." Sinabi niya sa iba, "Sumunod ka sa akin." Subalit siya'y sumagot, "Panginoon, hayaan mo muna akong umalis at ilibing ko ang aking ama." Subalit sinabi ni Jesus sa kanya, "Hayaan mong ilibing ng mga patay ang kanilang sariling patay. Subalit para sa iyo, humayo ka at ipahayag mo ang kaharian ng Diyos." At sinabi naman ng isa pa, "Ako'y susunod sa iyo, Panginoon, subalit hayaan mo muna akong magpaalam sa mga nasa bahay ko." Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, "Walang sinumang humahawak sa araro at tumitingin sa mga nasa likuran ang karapat-dapat sa kaharian ng Diyos." Pagkatapos ng mga bagay na ito, ang Panginoon ay humirang ng pitumpu, at sila'y sinugong dala-dalawa, na una sa kanya sa bawat bayan at dako na kanyang pupuntahan. At sinabi niya sa kanila, "Totoong marami ang aanihin, subalit kakaunti ang mga manggagawa. Kaya't idalangin ninyo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang aanihin. Humayo kayo, sinusugo ko kayong gaya ng mga kordero sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdadala ng lalagyan ng salapi, o supot, o mga sandalyas, at huwag ninyong batiin ang sinuman sa daan. Sa alinmang bahay kayo pumasok, sabihin muna ninyo, 'Kapayapaan nawa sa bahay na ito.' At kung doon ay may anak ng kapayapaan, ang inyong kapayapaan ay mananatili sa kanya. Subalit kung wala, ito ay babaliksa inyo. At manatili kayo sa bahay ring iyon. Kainin at inumin ninyo ang anumang ihain nila, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanyang sahod. Huwag kayong magpalipat-lipat ng bahay. At sa alinmang bayan kayo pumasok at kayo'y kanilang tanggapin ay kainin ninyo ang anumang inihahain sainyo. Pagalingin ninyo ang mga maysakit na naroroon at sabihin ninyo sa kanila, 'Ang kaharian ng Diyos ay lumapit na sa inyo.' Subalit sa alinmang bayan kayo pumasok at hindi kayo tanggapin, lumabas kayo sa mga lansangan nito at inyong sabihin, Maging ang alikabok ng inyong bayan na kumakapit sa aming paa ay ipinapagpag namin laban sa inyo; subalit alamin ninyo ito, ang kaharian ng Diyos ay lumapit na sa inyo.' Sinasabi ko sa inyo, higit pang mapagtitiisan sa araw na iyon ang Sodoma kaysa bayang iyon. "Kahabag-habag ka Corazin! Kahabag-habag ka, Bethsaida! Sapagkat kung ang mga makapangyarihang gawa na ginawa sa inyo ay ginawa sa Tiro at Sidon, matagal na sana silang nagsisi, na nakaupong may damit-sako at abo. Subalit higit na mapagtitiisan pa sa paghuhukom ang Tiro at Sidon kaysa inyo. At ikaw, Capernaum, itataas ka ba hanggang sa langit? Ikaw ay ibababa sa Hades. "Ang nakikinig sa inyo ay sa akin nakikinig, at ang nagtatakwil sa inyo ay ako ang itinatakuwil, at ang nagtatakuwil sa akin ay itinatakuwil ang nagsugo sa akin." Bumalik ang pitumpu na may kagalakan na nagsabi, "Panginoon, maging ang mga demonyo ay nagpapasakop sa amin sa iyong pangalan!" At sinabi niya sa kanila, "Nakita ko si Satanas na nahulog na gaya ng kidlat mula sa langit. Tingnan ninyo, binigyan ko kayo ng awtoridad na tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at sa ibabaw ng lahat ng kapangyarihan ng kaaway; at walang makakapanakit sa inyo. Gayunman, huwag ninyong ikagalak ito, na ang mga espiritu ay nagpapasakop sa inyo, kundi inyong ikagalak na ang inyong mga pangalan ay nakasulat sa langit." Nang oras ding iyon, nagalak siya sa Espiritu Santo at sinabi, "Ako'y nagpapasalamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at lupa, na iyong ikinubli ang mga bagay na ito sa mga marurunong at matatalino at ipinahayag mo ang mga ito sa mga sanggol. Oo, Ama, sapagkat gayon ang nakakalugod sa iyong harapan. Ang lahat ng mga bagay ay ibinigay na sa akin ng aking Ama. Walang nakakakilala sa Anak, maliban sa Ama, at kung sino ang Ama maliban sa Anak at kaninumang ninanais ng Anak na pagpahayagan niya." At pagharap niya sa mga alagad ay palihim niyang sinabi, "Mapapalad ang mga matang nakakakita ng inyong nakikita. Sapagkat sinasabi ko sa inyo, na maraming propeta at mga hari ang naghangad na makita ang inyong nakikita at hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig at hindi nila narinig." At may isang dalubhasa sa kautusan ang tumindig upang si Jesus ay subukin na nagsasabi, "Guro, anong dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?" Sinabi niya sa kanya,"Ano ba ang nakasulat sa kautusan? Ano ang nabasa mo?" At sumagot siya, "Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong lakas mo, at nang buong pag-iisip mo, at ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili." At sinabi niya sa kanya, "Tumpak ang sagot mo, gawin mo ito at mabubuhayka." Subalit sa pagnanais niya na ipagmatuwid ang kanyang sarili ay sinabi kay Jesus, “At sino ang aking kapwa?" Sumagot si Jesus, "May isang taong bumaba mula sa Jerusalem patungo sa Jerico at siya'y nahulog sa kamay ng mga tulisan, hinubaran siya ng mga ito at binugbog. Pagkatapos ay umalis sila at iniwan siyang halos patay. At nagkataong bumababa sa daang iyon ang isang pari. Nang kanyang makita ito, siya ay dumaan sa kabilang panig. Gayundin ang isang Levita, nang dumating siya sa lugar na iyon at kanyang nakita ang taong iyon, siya ay dumaan sa kabilang panig. Subalit ang isang Samaritano, sa kanyang paglalakbay ay dumating sa kanyang kinaroroonan; at nang kanyang makita ang taong iyon, siya ay nahabag. Kanyang nilapitan siya at tinalian ang kanyang mga sugat pagkatapos buhusan ng langis at alak. Pagkatapos isakay sa kanyang sariling hayop, siya ay dinala sa bahay-panuluyan at inalagaan. Nang sumunod na araw, dumukot siya ng dalawang denario at ibinigay sa may-ari ng bahay-panuluyan at sinabi niya, Alagaan mo siya, at sa anumang karagdagan mo pang gastusin ay babayaran kita sa aking pagbabalik.' Ano sa palagay mo, alin sa tatlong ito, ang naging kapwa tao sa nahulog sa kamay ng mga tulisan?" At sinabi niya,'Ang nagpakitang habag sa kanya." Sinabi sa kanya ni Jesus, "Humayo ka, at gayundin ang gawin mo." Sa pagpapatuloy nila sa kanilang lakad, pumasok siya sa isang nayon. Isang babaing ang pangalan ay Marta ang tumanggap kay Jesus sa kanyang bahay. At siya'y may isang kapatid na tinatawag na Maria na naupo sa paanan ng Panginoon at nakinig sa kanyang salita. Ngunit si Marta ay naaabala sa maraming paglilingkod. Siya'y lumapit sa kanya at sinabi, "Panginoon, wala bang anuman sa iyo na pinabayaan ako ng aking kapatid na maglingkod na mag-isa? Sabihin mo nga sa kanya na tulungan ako." Subalit sumagot ang Panginoon at sinabi sa kanya, "Marta, Marta, nag-aalala ka at nababagabag tungkol sa maraming bagay; subalit isang bagay ang kailangan. Pinili ni Maria ang mabuting bahagi na hindi kukunin sa kanya." Siya'y nanalangin sa isang lugar at nang siya'y makatapos, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, "Panginoon, turuan mo kaming manalangin, gaya ni Juan na nagturo sa kanyang mga alagad." Sinabi niya sa kanila, "Kapag kayo'y nananalangin, inyong sabihin, 'Ama, sambahin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo. Ibigay mo sa amin sa bawat araw ang aming pang araw-araw na pagkain. At ipatawad mo sa amin ang aming mga kasalanan, sapagkat pinatatawad naman namin ang bawat nagkakautang sa amin, at huwag mo kaming dalhin sa tukso.'" Sinabi niya sa kanila, "Sino sa inyo ang mayroong kaibigan at kayo ay pumunta sa kanya nang hating-gabi at magsabi sa kanya, 'Kaibigan, pahiramin mo ako ng tatlong tinapay; sapagkat dumating ang isa kong kaibigan mula sa isang paglalakbay at wala akong maihain sa kanya.' At siyang nasa loob ay sasagot, 'Huwag mo akong abalahin. Nakasara na ang pinto, nasa higaan na kami ng aking mga anak. Hindi ako makakabangon upang mabigyan ka ng anuman!' Sinasabi ko sa inyo, bagaman hindi siya bumangon at magbigay sa kanya ng anuman dahil siya ay kanyang kaibigan, ngunit dahil sa kanyang pamimilit siya'y babangon at ibibigay ang anumang kailanganin niya. At sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo, at kayo'y makakakita; tumuktok kayo at kayo'y pagbubuksan. Sapagkat ang bawat humihingi ay tumatanggap, at ang humahanap ay nakakatagpo, at ang tumutuktok ay pinagbubuksan. Mayroon ba sa inyong isang ama, na kung humingi ang kanyang anak ng isda ay ahas ang ibibigay sa halip na isda? O kung siya'y humingi ng itlog, bibigyan kaya niya ng alakdan? Kung kayo nga na masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa langit na magbibigay ng Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya?" At noon ay nagpalayas si Jesus ng isang demonyong pipi. Nang makalabas na ang demonyo, ang dating pipi ay nagsalita at namangha ang maraming tao. Subalit sinabi ng ilan sa kanila, "Nagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, na pinuno ng mga demonyo." At ang iba naman upang siya ay subukin ay hinanapan siya ng isang tanda na mula sa langit. Subalit dahil batid niya ang kanilang iniisip ay sinabi niya sa kanila, 'Ang bawat kahariang nahahati laban sa kanyang sarili ay nawawasak at ang bahay na laban sa sarili ay nagigiba. At kung si Satanas ay nahahati rin laban sa kanyang sarili, paanong tatatag ang kanyang kaharian? Sapagkat sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul. At kung nagpapalayas ako ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebul, sa pamamagitan naman nino pinalalayas sila ng inyong mga anak? Kaya't sila ang inyong magiging mga hukom. Ngunit kung sa pamamagitan ng daliri ng Diyos ay nagpapalayas ako ng mga demonyo, dumating na nga sa inyo ang kaharian ng Diyos. Kapag ang isang taong malakas at nasasandatahang mabuti ay nagbabantay sa kanyang sariling palasyo, ang kanyang mga ari-arian ay ligtas. Subalit kung may dumating na mas malakas kaysa kanya at siya'y talunin, kukunin nito sa kanya ang lahat ng sandata na kanyang pinagtiwalaan at ipamimigay nito ang mga nasamsam niya. Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin at ang hindi ko kasamang nagtitipon ay nagkakalat. "Kapag ang masamang espiritu ay lumabas sa isang tao, gumagala ito sa mga lugar na walang tubig at humahanap ng mapapagpahingahan; at kapag hindi nakatagpo ay sinasabi nito, 'Babalik ako sa bahay na aking pinanggalingan.' At pagdating nito ay natagpuan nitong nawalisan at maayos na. Kaya't umaalis siya at nagsasama pa ng pitong espiritu na higit pang masasama kaysa kanya. Sila'y pumapasok at tumitira roon at ang huling kalagayan ng taong iyon ay masahol pa kaysa noong una." Habang sinasabi niya ang mga bagay na ito, isang babaing mula sa maraming tao ang nagsalita sa malakas na tinig at sinabi sa kanya, "Mapalad ang sinapupunang sa iyo'y nagdala at ang mga dibdib na iyong sinusuhan." Subalit sinabi niya, "Sa halip, mapalad silang nakikinig sa salita ng Diyos at sinusunod ito." Nang dumarami ang nagkakatipong mga tao, nagsimula siyang magsalita, "Ang lahing ito'y isang masamang lahi. Ito'y humahanap ng isang tanda, subalit walang tanda na ibibigay dito maliban sa tanda ni Jonas. Kung paanong si Jonas ay naging tanda sa mga taga-Ninive, gayundin ang Anak ng Tao sa lahing ito. Ang reyna ng Timog ay babangon sa paghuhukom kasama ang mga tao ng lahing ito at kanyang hahatulan sila. Sapagkat siya'y dumating galing sa mga dulo ng daigdig upang makinig sa karunungan ni Solomon, at narito ang isang higit pang dakila kaysa kay Solomon. Ang mga tao sa Ninive ay babangon sa paghuhukom kasama ng lahing ito at ito'y kanilang hahatulan, sapagkat sila'y nagsisi sa pangangaral ni Jonas, at narito, ang isang higit pang dakila kaysa kay Jonas. Walang sinuman na pagkatapos magsindi ng ilawan ay inilalagay ito sa isang tagong lugar o sa ilalim ng takalan, kundi sa patungan ng ilaw upang makita ng mga pumapasok ang liwanag. Ang ilawan ng katawan ay ang iyong mata. Kung malusog ang iyong mata, ang buong katawan mo ay puno ng liwanag. Subalit kung ito'y hindi malusog, ang katawan mo ay puno ng kadiliman. Kaya't maging maingat kayo baka ang liwanag na nasa iyo ay kadiliman. Kaya nga, kung ang buong katawan mo ay puno ng liwanag at walang bahaging madilim, ito'y mapupuno ng liwanag, gaya ng ilawang may liwanag na nagliliwanag sa iyo." Samantalang siya'y nagsasalita, inanyayahan siya ng isang Fariseo na kumaing kasalo niya. Kaya't siya'y pumasok at naupo sa hapag-kainan. Ang Fariseo ay nagtaka nang makita si Jesus na hindi muna naghugas bago kumain. Sinabi sa kanya ng Panginoon, "Kayong mga Fariseo, nililinis ninyo ang labas ng tasa at ng pinggan, subalit sa loob kayo'y puno ng kasakiman at kasamaan. Kayong mga hangal, di ba ang gumawa ng labas ay siya ring gumawa ng loob? Subalit ilimos ninyo ang mga bagay na nasa loob at ang lahat ng mga bagay ay magiging malinis para sa inyo. Subalit kahabag-habag kayong mga Fariseo! Sapagkat nagbibigay kayo ng ikapu ng yerbabuena, ng ruda at ng bawat gulayin, ngunit pinababayaan ninyo ang katarungan at ang pag-ibig ng Diyos. Dapat lamang ninyong gawin ang mga ito, na hindi pinababayaan ang iba. Kahabag-habag kayong mga Fariseo! Inyong iniibig ang upuang pandangal sa mga sinagoga, at ang mga pagpupugay sa mga pamilihan. Kahabag-habag kayo! Sapagkat kayo'y tulad sa mga libingang walang palatandaan, at di nalalaman ng mga tao na sila'y lumalakad sa ibabaw nito." Isa sa mga dalubhasa sa kautusan ay sumagot sa kanya, "Guro, sa pagsasabi mo nito, pati kami ay iyong nilalait." Subalit sinabi niya, "Kahabag-habag din kayong mga dalubhasa sa kautusan! Sapagkat inyong ipinapapasan sa mga tao ang mga pasaning mahihirap dalhin, samantalang hindi man lamang hinahawakan ng isa sa inyong mga daliri ang mga pasanin. Kahabag-habag kayo! Sapagkat inyong itinatayo ang mga libingan ng mga propeta, gayong sila'y pinatay ng inyong mga ninuno. Kayo nga'y mga saksi at sumang-ayon sa mga gawa ng inyong mga ninuno, sapagkat pinatay nila ang mga propeta at itinayo ninyo ang kanilang mga libingan. Kaya't sinasabi rin ng Karunungan ng Diyos, 'Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol, at ang ilan sa kanila ay kanilang papatayin at uusigin,' upang hingin sa lahing ito ang dugo ng lahat ng mga propeta na dumanak mula pa nang itatag ang sanlibutan; mula sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias, na pinatay sa pagitan ng dambana at ng santuwaryo. Oo, sinasabi ko sa inyo, na ito'y hihingin sa lahing ito. Kahabag-habag kayong mga dalubhasa sa kautusan, sapagkat kinuha ninyo ang susi ng karunungan. Kayo mismo ay hindi pumasok, at inyong hinadlangan ang mga pumapasok." Paglabas niya roon, nagpasimula ang mga eskriba at ang mga Fariseo na pag-initan siya nang matindi at pagtatanungin siya tungkol sa maraming bagay, na nag-aabang sa kanya upang hulihin siya sa kanyang sasabihin. Samantala, nang magkatipon ang libu-libong tao, na anupa't sila'y nagkakatapakan na sa isa't isa, nagpasimula siyang magsalita muna sa kanyang mga alagad, "Mag-ingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo, na ito'y pagkukunwari. Walang bagay na natatakpan na hindi mabubunyag, at walang bagay na natatago na hindi malalaman. Kaya't ang anumang sinabi ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag at ang ibinulong ninyo sa mga lihim na silid ay ipagsisigawan sa mga bubungan. "Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan ko, huwag kayong matakot sa mga pumapatay ng katawan, na pagkatapos ay wala na silang magagawa. Subalit ipapakita ko sa inyo kung sino ang inyong dapat katakutan; katakutan ninyo siya na pagkatapos pumatay ay may kapangyarihang magtapon sa impiyerno.' Oo, sinasabi ko sa inyo, siya ang inyong katakutan. Hindi ba ipinagbibili ang limang maya sa halagang dalawang sentimos? Isa man sa kanila ay hindi nalilimutan ng Diyos. Ngunit maging ang mga buhok ng inyong ulo ay bilang na lahat. Huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa maraming maya. "At sinasabi ko sa inyo, ang bawat kumikilala sa akin sa harap ng mga tao ay kikilalanin din siya ng Anak ng Tao sa harap ng mga anghel ng Diyos. Subalit ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao ay ipagkakaila sa harap ng mga anghel ng Diyos. At ang bawat bumigkas ng salita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin; ngunit ang magsalita ng kalapastanganan laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin. Kapag kayo'y dinala nila sa harap ng mga sinagoga, at sa mga pinuno, at sa mga may kapangyarihan ay huwag kayong mag-alala kung paano o ano ang inyong isasagot, o kung ano ang inyong sasabihin, sapagkat ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo sa oras ding iyon kung ano ang dapat ninyong sabihin." Sinabi sa kanya ng isa sa maraming tao, "Guro, sabihin mo sa aking kapatid na bahaginan ako ng mana." Subalit sinabi niya sa kanya, "Lalaki, sino ang nagtalaga sa akin upang maging hukom o tagapamahagi sa inyo?" Sinabi niya sa kanila, "Mag-ingat kayo at magbantay laban sa lahat ng kasakiman, sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa kasaganaan ng kanyang mga ari-arian." Nagsalaysay siya sa kanila ng isang talinghaga: "Ang lupain ng taong mayaman ay namunga ng sagana. Inisip niya sa sarili, Ano ang gagawin ko, sapagkat wala akong mapaglalagyan ng aking mga ani?' Sinabi niya, 'Ito ang aking gagawin. Gigibain ko ang aking mga kamalig at magtatayo ako ng mas malalaki at doon ko titipunin ang lahat ng aking mga butil at mga pag-aari.' At sasabihin ko sa aking kaluluwa, 'Kaluluwa' marami ka nang pag-aaring nakaimbak para sa maraming taon; magpahinga ka, kumain ka, uminom ka, magsaya ka.' Subalit sinabi sa kanya ng Diyos, 'Hangal, sa gabing ito ay kukunin ang iyong kaluluwa; at kanino kaya mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?' Gayon nga ang nagtitipon ng kayamanan para sa kanyang sarili, subalit hindi mayaman sa Diyos." At sinabi niya sa kanyang mga alagad, "Kaya nga sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa sa inyong buhay, kung ano ang inyong kakainin; o sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot. Sapagkat ang buhay ay higit kaysa pagkain at ang katawan ay higit kaysa damit. Pansinin ninyo ang mga uwak. Hindi sila naghahasik, ni gumagapas man. Sila'y walang imbakan ni kamalig man, subalit sila'y pinapakain ng Diyos. Gaano pang higit kayong mahalaga kaysa mga ibon! At sino sa inyo na sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang oras sa haba ng kanyang buhay? Kung hindi nga ninyo magawa ang ganoong kaliit na bagay, bakit mag-aalala kayo tungkol sa mga ibang bagay? Pansinin ninyo ang mga liryo, kung paano silang tumutubo. Hindi sila nagpapagal o humahabi man, subalit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon, sa buong kaluwalhatian niya ay hindi nakapagbihis na gaya ng isa sa mga ito. Ngunit kung dinadamitan ng Diyos nang ganito ang damo sa parang na ngayon ay buhay, at sa kinabukasan ay itinatapon sa pugon, gaano pa kaya kayo na kanyang dadamitan, O kayong maliliit ang pananampalataya? At huwag ninyong laging hanapin kung ano ang inyong kakainin, kung ano ang inyong iinumin, at huwag kayong mabalisa. Sapagkat ang mga bagay na ito ang siyang hinahanap ng lahat ng mga bansa sa sanlibutan, at nalalaman ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga bagay na ito. Subalit, hanapin ninyo ang kanyang kaharian at lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay din sa inyo. "Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat nakakalugod sa inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian. Ipagbili ninyo ang inyong mga ari-arian at kayo'y magbigay ng limos. Gumawa kayo para sa inyong mga sarili ng mga supot na hindi naluluma, ng isang kayamanan sa langit na hindi nauubos, na doo'y hindi lumalapit ang magnanakaw, o naninira man ang bukbok. Sapagkat kung saan naroroon ang inyong kayamanan ay naroroon din naman ang inyong puso. "Bigkisan ninyo ang inyong mga baywang at paliwanagin ninyo ang inyong mga ilawan. At maging tulad kayo ng mga taong naghihintay sa kanilang panginoon na magbalik mula sa kasalan upang agad nilang mapagbuksan siya kapag siya ay dumating na at tumuktok. Mapapalad ang mga aliping iyon na madatnan ng panginoon na nagbabantay kapag siya ay dumating. Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, bibigkisan niya ang kanyang baywang, sila'y papaupuin sa hapag-kainan at siya ay lalapit at paglilingkuran sila. At kung siya'y dumating sa hating-gabi, o sa magmamadaling araw na, at matagpuan silang gayon ay mapapalad ang mga aliping iyon. Subalit alamin ninyo ito, kung nalalaman ng may-ari ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, siya'y hindi magpapabayang mapasok ang kanyang bahay. Dapat din kayong maging handa, sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo inaasahan." Sinabi ni Pedro, "Panginoon, sinasabi mo ba ang talinghagang ito para sa amin, o para sa lahat?" At sinabi ng Panginoon, "Sino nga ba ang tapat at matalinong katiwala na pagkakatiwalaan ng kanyang panginoon sa kanyang mga alipin, upang sila'y bigyan ng kanilang bahaging pagkain sa tamang panahon? Mapalad ang aliping iyon, na maratnan ng kanyang panginoon na gayon ang ginagawa. Tunay na sinasabi ko sa inyo, sa kanya ipagkakatiwala ang lahat niyang ari-arian. Subalit kung sabihin ng alipin iyon sa kanyang sarili, 'Matatagalan pa ang pagdating ng aking panginoon;' at pinasimulan niyang bugbugin ang mga aliping lalaki at mga aliping babae; at siya'y kumain, uminom, at naglasing, ang panginoon ng aliping iyon ay darating sa araw na hindi niya inaasahan, at sa oras na hindi niya nalalaman. Siya'y pagpuputul-putulin at isasama sa mga hindi tapat. At ang aliping iyon na nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon, ngunit hindi naghanda at hindi ginawa ang ayon sa kalooban nito ay papaluin nang marami. Subalit ang hindi nakakaalam at gumawa ng mga bagay na karapat-dapat sa mga palo ay papaluin ng kaunti. Ngunit sa bawat binigyan ng marami ay marami ang hihingin sa kanya, at sa kanya na pinagkatiwalaan ng marami ay higit na marami ang kanilang hihingin sa kanya. "Ako'y naparito upang maghagis ng apoy sa lupa at nais ko sana na ito ay nagniningas na! Ako'y mayroong bautismo na ibabautismo sa akin, at ako'y nababagabag hanggang hindi ito nagaganap! Sa palagay ba ninyo ay pumarito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Hindi! Sinasabi ko sa inyo, sa halip ay pagkakabaha-bahagi. Sapagkat mula ngayon ang lima sa isang bahay ay magkakabaha-bahagi; tatlo laban sa dalawa, at dalawa laban sa tatlo. Sila'y magkakabaha-bahagi; ang ama laban sa anak na lalaki, at ang anak na lalaki laban sa ama; ang ina laban sa anak na babae, at ang anak na babae laban sa kanyang ina; ang biyenang babae laban sa kanyang manugang na babae at ang manugang na babae laban sa kanyang biyenang babae." Sinabi rin niya sa napakaraming tao, "Kapag may nakita kayong ulap na tumataas sa kanluran ay agad ninyong sinasabi na may darating na malakas na ulan, at gayon nga ang nangyayari. At kapag nakikita ninyong humihihip ang hanging habagat ay sinasabi ninyo, na magkakaroon ng matinding init, at ito'y nangyayari. Kayong mga mapagkunwari! Marunong kayong magbigay ng kahulugan sa anyo ng lupa at ng langit, subalit bakit hindi kayo marunong magbigay ng kahulugan sa kasalukuyang panahon? At bakit hindi ninyo hatulan para sa inyong sarili kung ano ang matuwid? Kaya habang patungo ka sa hukom na kasama ang sa iyo'y nagsakdal, sa daan ay sikapin mo nang makipag-ayos sa kanya, kung hindi ay kakaladkarin ka niya sa hukom, at ibibigay ka ng hukom sa punong-tanod, at ipapasok ka ng punong-tanod sa bilangguan. Sinasabi ko sa iyo, hindi ka makakalabas hanggang sa mabayaran mo ang kahuli-hulihang kusing." Nang panahong iyon, mayroong ilan na naroon na nagsabi sa kanya tungkol sa mga taga-Galilea, na ang dugo ng mga iyon ay inihalo ni Pilato sa mga alay nila. At sinabi niya sa kanila, "Akala ba ninyo na ang mga taga-Galileang iyon ay higit na makasalanan kaysa lahat ng mga taga-Galilea, dahil sila'y nagdusa nang gayon? Sinasabi ko sa inyo, Hindi! Subalit malibang kayo'y magsisi, mapapahamak din kayong lahat tulad nila. O ang labingwalo na nabagsakan ng tore sa Siloam at sila'y napatay, inaakala ba ninyo na sila'y higit na maysala kaysa lahat ng taong naninirahan sa Jerusalem? Sinasabi ko sa inyo, Hindi! Subalit malibang kayo'y magsisi, kayong lahat ay mapapahamak ding tulad nila." Isinalaysay niya ang talinghagang ito: "Ang isang tao ay may isang puno ng igos na nakatanim sa kanyang ubasan. Siya'y pumunta upang maghanap ng bunga roon, subalit walang nakita. Sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, 'Tingnan ninyo, tatlong taon na akong pumaparito na humahanap ng bunga sa punong igos na ito, at wala akong makita. Putulin mo ito. Bakit sinasayang nito ang lupa?' At sumagot siya sa kanya, 'Panginoon, hayaan mo muna sa taong ito, hanggang sa aking mahukayan sa palibot at malagyan ng pataba. At kung ito ay magbunga sa susunod na taon, ay mabuti; subalit kung hindi, maaari mo na itong putulin.'" Noon ay nagtuturo siya sa isa sa nga sinagoga nang araw ng Sabbath. At naroon ang isang babae na may espiritu ng karamdaman sa loob ng labingwalong taon. Siya ay baluktot at hindi niya kayang tumayo ng talagang matuwid. Nang siya'y makita ni Jesus, kanyang tinawag siya at sinabi sa kanya, "Babae, pinalaya ka na sa iyong sakit." Ipinatong ni Jesus ang kanyang mga kamay sa kanya at kaagad siyang naunat at niluwalhati niya ang Diyos. Subalit ang pinuno ng sinagoga, nagalit sapagkat si Jesus ay nagpagaling sa Sabbath, ay nagsabi sa maraming tao, "May anim na araw na dapat gumawa, pumarito kayo sa mga araw na iyon at kayo'y pagagalingin at hindi sa araw ng Sabbath." At sinabi sa kanya ng Panginoon, "Kayong mga mapagkunwari! Hindi ba kinakalagan ng bawat isa sa inyo sa Sabbath ang kanyang bakang lalaki o ang kanyang asno mula sa sabsaban at ito'y inilalabas upang painumin? At hindi ba dapat na ang babaing ito na anak ni Abraham, na ginapos ni Satanas sa loob ng labingwalong taon ay kalagan sa pagkagapos na ito sa araw ng Sabbath?" Nang sabihin niya ang mga bagay na ito, napahiya ang lahat ng kanyang mga kaaway at nagalak ang maraming tao dahil sa lahat ng maluwalhating bagay na kanyang ginawa. Sinabi niya, "Ano ang katulad ng kaharian ng Diyos at sa ano ko ito ihahambing? Ito ay tulad sa isang butil ng mustasa na kinuha ng isang tao at inihasik sa kanyang halamanan. Ito'y tumubo, naging isang punung-kahoy at dumapo sa mga sanga nito ang mga ibon sa himpapawid." At muling sinabi niya, "Sa ano ko ihahambing ang kaharian ng Diyos? Ito ay tulad sa pampaalsa na kinuha ng isang babae at inihalo sa tatlong takal na harina, hanggang sa ito'y nahaluang lahat ng pampaalsa." Si Jesus ay nagpatuloy sa kanyang lakad sa mga bayan at mga nayon na nagtuturo habang naglalakbay patungo sa Jerusalem. At may nagsabi sa kanya, "Panginoon, kakaunti ba ang maliligtas?" At sinabi niya sa kanila, "Magsikap kayong pumasok sa makipot na pintuan, sapagkat sinasabi ko sa inyo na marami ang magsisikap na pumasok at hindi makakapasok. Kapag tumayo na ang may-ari ng bahay at maisara na ang pinto, magsisimula kayong tumayo sa labas at tutuktok sa pintuan, na magsasabi, 'Panginoon, pagbuksan mo kami.' At siya'y sasagot sa inyo, 'Hindi ko alam kung saan kayo nanggaling.' Kaya't magsisimula kayong magsabi, 'Kami ay kasama mong kumain at uminom at nagturo ka sa aming mga lansangan.' Subalit sasabihin niya, 'Hindi ko alam kung saan kayo nanggaling. Lumayas kayo, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!' Magkakaroon ng pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin kapag nakita na ninyo sina Abraham, Isaac, Jacob at ang lahat ng mga propeta sa kaharian ng Diyos, at kayo mismo'y inihahagis sa labas. At may mga taong manggagaling sa silangan at kanluran, sa timog at hilaga, at uupo sa hapag sa kaharian ng Diyos. Sa katunayan, may mga huling magiging una at may mga unang magiging huli." Dumating nang oras ding iyon ang ilang Fariseo na nagsabi sa kanya, "Lumabas ka na at umalis dito, sapagkat ibig kang patayin ni Herodes." At sinabi niya sa kanila, "Humayo kayo at inyong sabihin sa asong-gubat na iyon, 'Narito, nagpapalayas ako ng mga demonyo at nagpapagaling ngayon at bukas, at sa ikatlong araw ay matatapos ko ang aking gawain. Gayunma'y kailangang ako'y magpatuloy sa aking lakad ngayon at bukas at sa makalawa, sapagkat hindi maaari na ang isang propeta ay mamatay sa labas ng Jerusalem.' O Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay sa mga propeta at bumabato sa mga sinugo sa kanya! Makailang ulit kong ninais na tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang sariling mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, at ayaw ninyo! Tingnan ninyo, sa inyo'y iniwan ang inyong bahay. At sinasabi ko sa inyo, hindi ninyo ako makikita, hanggang sa inyong sabihin, 'Mapalad ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.'" Isang Sabbath, nang pumasok si Jesus sa bahay ng isa sa mga pinuno ng mga Fariseo upang kumain, kanilang minamatyagan siya. At noon, sa kanyang harapan ay may isang lalaking namamanas. Nakipag-usap si Jesus sa mga dalubhasa sa kautusan at sa mga Fariseo, na sinasabi, "Ipinahihintulot ba o hindi na magpagaling sa Sabbath?" Subalit sila'y hindi umimik. At siya'y hinawakan ni Jesus, pinagaling, at pinahayo. At sinabi niya sa kanila, "Sino sa inyo, kung ang anak o bakang lalaki ay nahulog sa hukay, hindi ba agad ninyo iaahon sa araw ng Sabbath?" At hindi sila nakasagot sa mga bagay na ito. Nang mapansin niya na pinipili ng mga panauhin ang mga upuang pandangal; siya ay nagsalaysay sa kanila ng isang talinghaga. "Kapag inanyayahan ka ng sinuman sa kasalan, huwag kang uupo sa upuang pandangal; baka mayroon siyang inanyayahang higit na kilalang tao kaysa iyo, at ang nag-anyaya sa inyong dalawa ay lumapit at nagsabi sa iyo, 'Ibigay mo sa taong ito ang lugar mo.' Sa gayon, ay magsisimula kang pumunta na napapahiya sa pinakamababang lugar. Sa halip, kapag inaanyayahan ka, pumunta ka at umupo sa pinakamababang lugar upang kung dumating ang nag-anyaya sa iyo, sasabihin niya sa iyo, 'Kaibigan, pumunta ka sa mas mataas.' Kung gayo'y magkakaroon ka ng karangalan sa harap ng lahat ng mga kasalo mong nakaupo sa hapag. Sapagkat ang bawat nagmamataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas." Sinabi rin naman niya sa nag-anyaya sa kanya, "Kapag naghahanda ka ng isang tanghalian o ng isang hapunan, huwag mong tawagin ang iyong mga kaibigan, o ang iyong mga kapatid, o ang iyong mga kamag-anak, o mayayamang kapit-bahay, baka ikaw naman ay kanilang anyayahan at ikaw ay gantihan. Subalit kung naghahanda ka ng piging, anyayahan mo ang mga dukha, ang mga pilay, ang mga lumpo, ang mga bulag, at pagpapalain ka, sapagkat wala silang maigaganti sa iyo. Gagantihan ka sa muling pagkabuhay ng mga matuwid." Nang marinig ito ng isa sa nakaupong kasalo niya sa hapag ay sinabi nito sa kanya, "Mapalad ang kakain ng tinapay sa kaharian ng Diyos." Subalit sinabi ni Jesus sa kanya, "May isang naghanda ng isang malaking hapunan; at marami siyang inanyayahan. At sa oras ng hapunan ay sinugo niya ang kanyang alipin upang sabihin sa mga inanyayahan, 'Halikayo, sapagkat ang lahat ay handa na.' Ngunit silang lahat ay pareparehong nagsimulang magdahilan. Sinabi ng una sa kanya, 'Bumili ako ng isang bukid, at kailangan kong umalis at tingnan iyon. Hinihiling ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako.' Sinabi ng isa pa, 'Bumili ako ng limang magkatuwang na bakang lalaki, at paroroon ako upang sila'y subukin. Hinihiling ko sa iyo na pagpaumanhinan mo ako.' Sinabi ng iba, Ako'y nagpakasal kaya't hindi ako makakarating.' At bumalik ang alipin, at iniulat ang mga bagay na ito sa kanyang panginoon. Sa galit ng may-ari ng bahay ay sinabi sa kanyang alipin, 'Pumunta ka agad sa mga lansangan at sa makikipot na daan ng bayan, at dalhin mo rito ang mga dukha, ang mga pilay, ang mga bulag, at ang mga lumpo.' At sinabi ng alipin, 'Panginoon, nagawa na ang ipinag-utos mo, gayunman ay maluwag pa.' At sinabi ng panginoon sa alipin, 'Lumabas ka sa mga daan at sa mga bakuran, at pilitin mo silang pumasok upang mapuno ang aking bahay' Sapagkat sinasabi ko sa inyo, na alinman sa mga taong iyon na inanyayahan ay hindi makakatikim ng aking hapunan." Noon ay sumama sa kanya ang napakaraming tao. Siya'y humarap sa kanila at sa kanila'y sinabi, "Kung ang sinuman ay lumalapit sa akin at hindi napopoot sa kanyang sariling ama, ina, asawang babae, mga anak, mga kapatid na lalaki, at mga kapatid na babae, at maging sa kanyang sariling buhay ay hindi maaaring maging alagad ko. Sinumang hindi nagpapasan ng kanyang sariling krus at sumusunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko. Sapagkat sino sa inyo na nagnanais magtayo ng isang tore, ang hindi muna uupo at aalamin ang magugugol kung mayroon siyang sapat upang matapos ito? Baka kung mailagay na niya ang pundasyon at hindi makayang tapusin, ang lahat ng mga makakakita ay magpapasimulang siya'y libakin, na nagsasabi, 'Nagsimula ang taong ito na magtayo, at hindi na kayang tapusin.' O sinong hari, na pupunta sa pakikidigma laban sa ibang hari, ang hindi muna uupo at mag-iisip kung siya na may sampung libo ay kayang humarap sa may dalawampung libo na dumarating laban sa kanya? At kung hindi, samantalang malayo pa ang isa ay magpapadala na siya ng isang sugo at hihilingin ang mga kasunduan sa kapayapaan. Kaya't ang sinuman sa inyo na hindi magtakuwil sa lahat ng kanyang tinatangkilik ay hindi maaaring maging alagad ko. "Mabuti ang asin, subalit kung ang asin ay mawalan ng kanyang lasa, paano maibabalik ang alat nito? Ito ay hindi nababagay maging sa lupa o sa tambakan man ng dumi; itinatapon nila ito. Ang may mga taingang ipandirinig ay makinig!" Noon, ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan ay lumalapit sa kanya upang makinig. Ang mga Fariseo at mga eskriba ay nagbulung-bulungan, na nagsasabi, "Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan at kumakaing kasalo nila." Kaya't isinalaysay niya sa kanila ang talinghagang ito: "Sino sa inyo na mayroong isandaang tupa at mawalan ng isa sa mga iyon ay hindi iiwan ang siyamnapu't siyam sa ilang at hahanapin ang nawawala, hanggang sa ito'y kanyang matagpuan? At kapag natagpuan niya, pinapasan niya ito sa kanyang balikat na nagagalak. Pag-uwi niya sa tahanan, tinatawag niya ang kanyang mga kaibigan at ang kanyang mga kapitbahay na sinasabi sa kanila, 'Makigalak kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko na ang aking tupang nawala.' Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang nagsisisi, kaysa siyamnapu't siyam na taong matutuwid na hindi nangangailangan ng pagsisisi. "O sinong babae na may sampung pirasong pilak, na kung mawalan siya ng isang piraso, ay hindi ba magsisindi ng isang ilawan at magwawalis ng bahay, at naghahanap na mabuti hanggang ito'y matagpuan niya? At kapag matagpuan niya ito ay tinatawag niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay, na nagsasabi, 'Makigalak kayo sa akin, sapagkat natagpuan ko na ang pilak na nawala sa akin.' Gayundin, sinasabi ko sa inyo, may kagalakan sa harapan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang nagsisisi." Sinabi ni Jesus, "May isang tao na may dalawang anak na lalaki: Sinabi ng nakababata sa kanila sa kanyang ama, Ama, ibigay mo sa akin ang bahagi ng kayamanang nauukol sa akin.' At hinati niya sa kanila ang kanyang pag-aari. Makaraan ang ilang araw, tinipon ng nakababatang anak ang lahat ng kanya, at naglakbay patungo sa isang malayong lupain at doo'y nilustay ang kanyang kabuhayan sa maaksayang pamumuhay. Nang magugol na niyang lahat ay nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon, at siya'y nagsimulang mangailangan. Kaya't pumaroon siya at sumama sa isa sa mga mamamayan sa lupaing iyon na nagpapunta sa kanya sa kanyang mga bukid upang magpakain ng mga baboy. At siya'y nasasabik na makakain ng mga pinagbalatan na kinakain ng mga baboy at walang sinumang nagbibigay sa kanya ng anuman. Subalit nang siya'y matauhan ay sinabi niya, 'Ilan sa mga upahang lingkod ng aking ama ang may sapat at lumalabis na pagkain, ngunit ako rito'y namamatay sa gutom? Titindig ako at pupunta sa aking ama, at aking sasabihin sa kanya, "Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa iyo. Hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo. Ituring mo ako na isa sa iyong mga upahang lingkod." ' Siya'y tumindig at pumunta sa kanyang ama. Subalit habang nasa malayo pa siya, natanaw siya ng kanyang ama at ito'y awang-awa sa kanya. Ang ama'y tumakbo, niyakap siya at hinagkan. At sinabi ng anak sa kanya, 'Ama, nagkasala ako laban sa langit at sa iyo; hindi na ako karapat-dapat na tawaging anak mo.' Subalit sinabi ng ama sa kanyang mga alipin, 'Dali, dalhin ninyo rito ang pinakamagandang kasuotan at isuot ninyo sa kanya. Lagyan ninyo ng singsing ang kanyang daliri, at mga sandalyas ang kanyang mga paa. At kunin ninyo ang pinatabang guya at patayin ito, at tayo'y kumain at magdiwang. Sapagkat ang anak kong ito ay patay na, at muling nabuhay; siya'y nawala, at natagpuan.' At sila'y nagsimulang magdiwang. Samantala, nasa bukid ang anak niyang panganay at nang siya'y dumating at papalapit sa bahay, nakarinig siya ng tugtugan at sayawan. Tinawag niya ang isa sa mga alipin at itinanong kung ano ang kahulugan nito. At sinabi niya sa kanya, 'Dumating ang kapatid mo at pinatay ng iyong ama ang pinatabang guya, dahil sa siya'y tinanggap niyang ligtas at malusog.' Subalit nagalit siya at ayaw pumasok. Lumabas ang kanyang ama, at siya'y pinakiusapan. Subalit sumagot siya sa kanyang ama, 'Tingnan mo, maraming taon nang ako'y naglingkod sa iyo, at kailanma'y hindi ako sumuway sa iyong utos. Gayunman ay hindi mo ako binigyan kailanman ng kahit isang batang kambing upang makipagsaya sa aking mga kaibigan. Subalit nang dumating ang anak mong ito na lumustay ng iyong kabuhayan sa masasamang babae ay ipinagpatay mo pa siya ng pinatabang guya.' At sinabi niya sa kanya, 'Anak, ikaw ay palagi kong kasama, ang lahat ng sa akin ay sa iyo. Ngunit nararapat lamang na magsaya at magalak, sapagkat ang kapatid mong ito ay patay at muling nabuhay; siya'y nawala at natagpuan.' " Sinabi rin ni Jesus sa mga alagad, "May isang taong mayaman na may isang katiwala, at isinumbong sa kanya na nilulustay ng taong ito ang kanyang mga kayamanan. At kanyang tinawag siya, at sa kanya'y sinabi, 'Ano itong nababalitaan ko tungkol sa iyo? Magbigay-sulit ka ng ipinagkatiwala sa iyo, sapagkat hindi ka na maaaring maging katiwala pa.' Sinabi ng katiwala sa kanyang sarili, 'Anong gagawin ko yamang inaalis sa akin ng aking panginoon ang pagiging katiwala? Hindi ko kayang maghukay at nahihiya akong mamalimos. Naipasiya ko na ang aking gagawin, upang matanggap ako ng mga tao sa kanilang bahay kapag pinaalis na ako sa pagiging katiwala.' Kaya't nang tawagin niyang isa-isa ang mga may utang sa kanyang panginoon, ay sinabi niya sa una, 'Magkano ang utang mo sa aking panginoon?' At sinabi niya, 'Isang daang takal na langis.' At sinabi niya sa kanya, 'Kunin mo ang iyong kasulatan at maupo ka at isulat mo kaagad ang limampu.' Pagkatapos ay sinabi niya sa iba, 'Magkano ang utang mo?' Sinabi niya, 'Isang daang takal na trigo.' Sinabi niya sa kanya, 'Kunin mo ang iyong kasulatan at isulat mo ang walumpu.' At pinuri ng panginoon ang madayang katiwala, sapagkat siya'y gumawang may katusuhan, sapagkat ang mga anak ng sanlibutang ito ay higit na tuso sa pakikitungo sa sarili nilang lahi kaysa mga anak ng liwanag. At sinasabi ko sa inyo, makipagkaibigan kayo para sa inyong mga sarili sa pamamagitan ng mga kayamanan ng kalikuan upang kung ito'y maubos na, ay kanilang tanggapin kayo sa mga walang hanggang tahanan. "Ang tapat sa kakaunti ay tapat din naman sa marami at ang di tapat sa kakaunti ay di rin naman tapat sa marami. Kung kayo nga'y hindi naging tapat sa kayamanan ng kalikuan, sino ang magtitiwala sa inyo ng mga tunay na kayamanan? At kung hindi kayo naging tapat sa kayamanan ng iba, sino ang sa inyo'y magbibigay ng sarili ninyong pag-aari. Walang aliping makapaglilingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa, at iibigin ang ikalawa, o kaya'y magiging tapat sa isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo makapaglilinkod sa Diyos at sa mga kayamanan."" Narinig ng mga Fariseo na pawang maibigin sa salapi ang lahat ng mga bagay na ito at kanilang tinuya si Jesus. At sinabi niya sa kanila, "Kayo ang mga nagmamatuwid sa inyong sarili sa paningin ng mga tao, subalit nalalaman ng Diyos ang inyong mga puso. Sapagkat ang dinadakila ng mga tao ay kasuklamsuklam sa paningin ng Diyos. "Ang kautusan at ang mga propeta ay hanggang kay Juan; mula noon, ang magandang balita ng kaharian ng Diyos ay ipinangangaral, at ang bawat isa ay sapilitang pumapasok doon. Ngunit mas madali pa para sa langit at lupa na lumipas, kaysa maalis ang isang kudlit sa kautusan. 'Ang bawat humihiwalay sa kanyang asawang babae at nag-asawa ng iba ay nagkakasala ng pangangalunya, at ang nag-aasawa sa babaing hiniwalayan ng kanyang asawa ay nagkakasala ng pangangalunya. "Mayroong isang taong mayaman na nagsusuot ng kulay ube at pinong lino at nagpipista araw-araw sa maraming pagkain. At sa kanyang pintuan ay nakahandusay ang isang pulubi na ang pangala'y Lazaro, na puno ng mga sugat, na naghahangad na makakain mula sa mga nahuhulog sa hapag ng mayaman. Maging ang mga aso ay lumalapit at hinihimuran ang kanyang mga sugat. At nangyari, namatay ang pulubi at siya'y dinala ng mga anghel sa kandungan ni Abraham. Namatay din naman ang mayaman at inilibing. At mula sa Hades na kanyang pinagdurusahan ay tumingala siya at nakita sa malayo si Abraham at si Lazaro sa kanyang kandungan. Siya'y sumigaw at sinabi,'Amang Abraham, maawa ka sa akin, at suguin mo si Lazaro, upang itubog niya sa tubig ang dulo ng kanyang daliri, at palamigin ang aking dila, sapagkat naghihirap ako sa apoy na ito.' Subalit sinabi ni Abraham, Anak, alalahanin mo na sa iyong buhay ay tinanggap mo ang iyong mabubuting bagay, at si Lazaro naman ay ang masasamang bagay. Subalit ngayon ay inaaliw siya rito at ikaw ay nagdurusa. Bukod dito, may isang malaking banging inilagay sa pagitan natin, upang ang mga nagnanais tumawid buhat dito patungo sa inyo ay hindi maaari at wala ring makatatawid mula riyan patungo sa amin.' At sinabi niya, 'Kung gayo'y ipinapakiusap ko sa iyo, ama, na isugo mo siya sa bahay ng aking ama, sapagkat ako'y may limang kapatid na lalaki, upang magpatotoo sa kanila nang hindi rin sila mapunta sa dakong ito ng pagdurusa.' Subalit sinabi ni Abraham, 'Nasa kanila si Moises at ang mga propeta, hayaan mo silang makinig sa kanila.' Sinabi niya, 'Hindi, amang Abraham, subalit kung ang isang mula sa mga patay ay pumunta sa kanila, sila'y magsisisi.' At sinabi niya sa kanya, 'Kung hindi nila pinapakinggan si Moises at ang mga propeta, hindi rin sila mahihikayat, kahit may isang bumangon mula sa mga patay' " Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, "Hindi maaaring di dumating ang mga kadahilanan ng pagkatisod, subalit kahabag-habag ang sinuman na pinanggagalingan niyon. Mabuti pa sa kanya na bitinan ang kanyang leeg ng isang batong panggiling, at ihagis siya sa dagat, kaysa siya ang maging sanhi ng pagkatisod ng isa sa maliliit na ito. Mag-ingat kayo sa inyong sarili. Kung magkasala ang iyong kapatid, sawayin mo siya, at kung siya'y magsisi, patawarin mo siya. Kung siya'y magkasala laban sa iyo ng pitong ulit sa isang araw at pitong ulit siyang bumalik sa iyo, na nagsasabi, 'Nagsisisi ako,' dapat mo siyang patawarin." Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, "Dagdagan mo ang pananampalataya namin." Sinabi ng Panginoon, "Kung mayroon kayong pananampalataya na kasinglaki ng isang binhi ng mustasa, masasabi ninyo sa puno ng sikomorong ito, 'Mabunot ka, at matanim ka sa dagat,' susundin kayo nito. "Sino sa inyo, na mayroong aliping nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa ang magsasabi sa kanya pagkagaling sa bukid, 'Pumarito ka agad at maupo sa hapag ng pagkain.' Sa halip, hindi ba niya sasabihin sa kanya, 'Ipaghanda mo ako ng hapunan, magbigkis ka, paglingkuran mo ako, hanggang sa ako'y makakain at makainom, pagkatapos ay kumain ka at uminom'? Pinasasalamatan ba niya ang alipin, sapagkat ginawa niya ang iniutos sa kanya? Gayundin naman kayo, kapag nagawa na ninyo ang lahat ng mga bagay na iniutos sa inyo, inyong sabihin, 'Kami'y mga aliping walang kabuluhan, ginawa lamang namin ang aming katungkulan.'" Habang patungo sa Jerusalem, si Jesus ay dumaan sa pagitan ng Samaria at Galilea. At sa pagpasok niya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung lalaking ketongin, na nakatayo sa malayo. Sila'y nagsisigaw at nagsabi, "Jesus, Panginoon, maawa ka sa amin." Nang kanyang makita sila ay sinabi niya sa kanila, "Humayo kayo at kayo'y magpakita sa mga pari." Habang sila'y umaalis, sila ay nagiging malinis. Nang makita ng isa sa kanila na siya'y gumaling na, siya ay bumalik na pinupuri ng malakas na tinig ang Diyos. Siya'y nagpatirapa sa paanan ni Jesus na nagpapasalamat sa kanya. Siya'y isang Samaritano. At nagtanong si Jesus, "Hindi ba sampu ang nalinis? Nasaan ang siyam? Wala bang natagpuang bumalik at nagbigay papuri sa Diyos, maliban sa dayuhang ito?" At sinabi ni Jesus sa kanya, "Tumindig ka at humayo. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya." Palibhasa'y tinanong si Jesus ng mga Fariseo kung kailan darating ang kaharian ng Diyos, kanyang sinagot sila, "Ang kaharian ng Diyos ay hindi darating na may mga palatandaang makikita. At di rin nila sasabihin, 'Tingnan ninyo, naririto o naroroon!' Sapagkat masdan ninyo, ang kaharian ng Diyos ay nasa inyo." Sinabi niya sa mga alagad, "Darating ang mga araw na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao at hindi ninyo ito makikita. At sasabihin nila sa inyo, 'Tingnan ninyo, naroroon' o 'Tingnan ninyo, naririto!' Huwag kayong pumaroon o sumunod sa kanila. Sapagkat kung paanong ang kidlat ay kumikislap at pinaliliwanag ang langit mula sa isang panig hanggang sa kabila, gayundin naman ang Anak ng Tao sa kanyang araw. Subalit kailangan muna siyang magdusa ng maraming bagay at itakuwil ng lahing ito. At kung paano ang nangyari sa mga araw ni Noe, ay gayundin naman ang mangyayari sa mga araw ng Anak ng Tao. Sila'y kumakain at umiinom, nag-aasawa at sila'y pinag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok sa daong si Noe at dumating ang baha, at nilipol silang lahat. Gayundin ang nangyari sa mga araw ni Lot. Sila'y kumakain at umiinom, bumibili at nagbibili, nagtatanim at nagtatayo. Subalit nang araw na umalis sa Sodoma si Lot, umulan ng apoy at asupre mula sa langit at pinuksa silang lahat. Gayundin naman ang mangyayari sa araw na ang Anak ng Tao ay mahayag. Sa araw na iyon, ang nasa bubungan na ang pag-aari niya ay nasa bahay, ay huwag nang manaog upang kunin ang mga ito. Gayundin, ang nasa bukid ay huwag nang bumalik. Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot. Sinumang nagsisikap ingatan ang kanyang buhay ay mawawalan nito, subalit ang sinumang nawalan ng kanyang buhay ay maiingatan iyon. Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon ay may dalawa sa isang higaan; ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan. May dalawang magkasamang magtatrabaho sa gilingan, kukunin ang isa, at ang isa'y iiwan." (Pupunta sa bukid ang dalawang lalaki; ang isa'y kukunin at ang isa'y iiwan.) At sinabi nila sa kanya, "Saan, Panginoon?" Sinabi niya sa kanila, "Kung saan naroon ang bangkay ay doon magtitipon ang mga buwitre." At isinalaysay ni Jesus sa kanila ang isang talinghaga kung paanong sila'y dapat laging manalangin at huwag manlupaypay. Sinabi niya, "Sa isang lunsod ay may hukom na hindi natatakot sa Diyos at walang taong iginagalang. At sa lunsod na iyon ay may isang babaing balo na laging pumupunta sa kanya, na nagsasabi, 'Bigyan mo ako ng katarungan laban sa aking kaaway.' May ilang panahon na siya'y tumatanggi, subalit pagkatapos ay sinabi sa kanyang sarili, 'Bagaman ako'y hindi natatakot sa Diyos, at hindi gumagalang sa tao, subalit dahil ginagambala ako ng balong ito, bibigyan ko siya ng katarungan. Kung hindi ay magsasawa ako sa kanyang patuloy na pagpunta rito.'" At sinabi ng Panginoon, "Pakinggan ninyo ang sinabi ng masamang hukom. At hindi ba bibigyan ng Diyos ng katarungan ang kanyang mga pinili na sumisigaw sa kanya araw at gabi. Kanya bang matitiis sila? Sinasabi ko sa inyo, mabilis niyang bibigyan sila ng katarungan. Gayunman, pagparito ng Anak ng Tao, makakatagpo kaya siya ng pananampalataya sa lupa?" Isinalaysay rin niya ang talinghagang ito sa ilan na nagtitiwala sa kanilang sarili, na sila'y matutuwid at hinahamak ang iba. "Dalawang lalaki ang pumunta sa templo upang manalangin. Ang isa'y Fariseo, at ang isa'y maniningil ng buwis. Ang Fariseo ay nakatayo at nanalangin sa kanyang sarili ng ganito, 'Diyos, pinasasalamatan kita na hindi ako gaya ng ibang mga tao, na mga mangingikil, mga di makatarungan, mga mangangalunya, o gaya man ng maniningil ng buwis na ito. Dalawang ulit akong nag-aayuno sa isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu sa lahat ng aking kinikita!' Subalit ang maniningil ng buwis, na nakatayo sa malayo ay ayaw itingin man lamang ang kanyang mga mata sa langit, kundi dinadagukan ang kanyang dibdib, na nagsasabi, 'Diyos, mahabag ka sa akin na isang makasalanan.' Sinasabi ko sa inyo, nanaog patungo sa kanyang bahay ang taong ito na inaring-ganap sa halip na ang isa. Sapagkat ang bawat nagmamataas sa kanyang sarili ay ibababa, ngunit ang nagpapakababa sa kanyang sarili ay itataas." Noon ay dinadala sa kanya maging ang mga sanggol, upang kanyang hawakan sila. Subalit nang makita ito ng mga alagad, sila'y sinaway nila. Subalit pinalapit sila ni Jesus na sinasabi, "Hayaan ninyong lumapit sa akin ang maliliit na bata, at huwag ninyo silang hadlangan, sapagkat sa mga ganito nauukol ang kaharian ng Diyos. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos na gaya ng isang maliit na bata ay hindi makakapasok doon." Tinanong siya ng isang pinuno, "Mabuting Guro, anong gagawin ko upang magmana ng buhay na walang hanggan?" Sinabi sa kanya ni Jesus, "Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang. Nalalaman mo ang mga utos: 'Huwag kang mangalunya; Huwag kang pumatay; Huwag kang magnakaw; Huwag kang tumayong saksi sa kasinungalingan; Igalang mo ang iyong ama at ina.' " At sinabi niya, "Tinupad ko ang lahat ng mga bagay na ito buhat pa sa aking pagkabata." Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya sa kanya, "Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Anumang mayroon ka ay ipagbili mo, ipamahagi mo sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. At pumarito ka, sumunod ka sa akin." Subalit nang marinig niya ang mga bagay na ito, siya'y nalungkot, sapagkat siya'y napakayaman. Tumingin sa kanya si Jesus at sinabi, "Napakahirap sa mga may kayamanan ang pumasok sa kaharian ng Diyos! Sapagkat madali pa sa isang kamelyo ang pumasok sa butas ng isang karayom, kaysa sa isang taong mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos." At sinabi ng mga nakarinig nito, "Sino kaya ang maliligtas?" Subalit sinabi niya, "Ang mga bagay na hindi magagawa ng mga tao ay magagawa ng Diyos." Sinabi ni Pedro, "Tingnan mo, iniwan namin ang aming mga tahanan at sumunod sa iyo." At sinabi niya sa kanila, "Katotohanang sinasabi ko sa inyo, walang sinuman na nag-iwan ng bahay, o asawang babae, o mga kapatid, o mga magulang o mga anak, dahil sa kaharian ng Diyos, na di tatanggap ng lalong higit pa sa panahong ito, at sa panahong darating ng buhay na walang hanggan." Isinama niya ang labindalawa at sinabi sa kanila, "Tingnan ninyo, umaahon tayo tungo sa Jerusalem, at ang lahat ng mga bagay na isinulat ng mga propeta tungkol sa Anak ng Tao ay matutupad. Sapagkat siya'y ibibigay sa mga Hentil at siya'y lilibakin, hahamakin, at luluraan, kanilang hahagupitin siya at papatayin at sa ikatlong araw siya ay muling mabubuhay." Ngunit wala silang naunawaan sa mga bagay na ito. Ang salitang ito ay naikubli sa kanila, at hindi nila naunawaan ang sinabi. Nang malapit na siya sa Jerico, isang bulag ang nakaupo sa tabi ng daan na namamalimos. At nang marinig niya ang maraming tao na dumaraan, nagtanong siya kung ano ang ibig sabihin nito. Sinabi nila sa kanya na dumaraan si Jesus na taga-Nazaret. At siya'y sumigaw, "Jesus! Anak ni David, maawa ka sa akin." Siya'y sinaway ng mga nasa unahan at sinabihan siyang tumahimik. Subalit siya'y lalong nagsisigaw, "Anak ni David, maawa ka sa akin." At si Jesus ay tumigil at ipinag-utos na dalhin ang tao sa kanya. Nang lumapit ito ay kanyang tinanong, "Anong ibig mong gawin ko sa iyo?" At sinabi niya, "Panginoon, ako sana'y muling makakita." Sinabi sa kanya ni Jesus, "Tanggapin mo ang iyong paningin; pinagaling ka ng iyong pananampalataya." At kaagad na tinanggap niya ang kanyang paningin at sumunod sa kanya, na niluluwalhati ang Diyos. Nang makita ito ng buong bayan ay nagbigay puri sila sa Diyos. Siya'y pumasok at nagdaan sa Jerico, at doon ay may isang lalaki na ang pangalan ay Zaqueo. Siya'y isang punong maniningil ng buwis at mayaman. Nagsikap siyang makita kung sino si Jesus, subalit hindi magawa dahil sa karamihan ng mga tao, sapagkat siya'y pandak. Kaya't tumakbo siya sa unahan at umakyat sa isang puno ng sikomoro upang makita siya, sapagkat siya'y daraan sa daang iyon. At nang dumating si Jesus sa lugar na iyon, siya'y tumingala, at sinabi sa kanya, "Zaqueo, dali ka at bumaba ka; sapagkat kailangang ako'y tumuloy sa bahay mo ngayon." Kaya't siya'y nagmadali, bumaba, at natutuwa siyang tinanggap. Nang kanilang makita ito ay nagbulungan silang lahat, na nagsasabi, "Siya'y pumasok upang maging panauhin ng isang taong makasalanan." Si Zaqueo ay tumindig at sinabi sa Panginoon, "Panginoon, ang kalahati ng aking mga pag-aari ay ibinibigay ko sa mga dukha at kung sa pamamagitan ng pandaraya ay may kinuha ako sa kanino mang tao, babayaran ko siya ng apat na ulit." At sinabi sa kanya ni Jesus, "Dumating sa bahay na ito ngayon ang kaligtasan, sapagkat siya man ay anak din ni Abraham. Sapagkat ang Anak ng Tao ay dumating upang hanapin at iligtas ang nawala." Samantalang pinapakinggan nila ang mga bagay na ito, nagpatuloy siya at nagsalaysay ng isang talinghaga, sapagkat siya'y malapit na sa Jerusalem, at sapagkat kanilang inakala na ang kaharian ng Diyos ay mahahayag na kaagad. Sinabi nga niya, "Isang maharlikang tao ang pumunta sa isang malayong lupain, upang tumanggap ng isang kaharian at pagkatapos ay bumalik. Tinawag niya ang sampu sa kanyang mga alipin at binigyan sila ng sampung mina, at sinabi sa kanila, 'Ipangalakal ninyo ito hanggang sa ako'y dumating.' Subalit kinapootan siya ng kanyang mga mamamayan at nagsugo sila sa kanya ng kinatawan na nagsasabi, Ayaw namin na ang taong ito'y maghari sa amin.' Nang siya'y bumalik, pagkatapos matanggap ang kaharian, sinabi niyang tawagin ang mga aliping binigyan niya ng salapi, upang malaman niya kung ano ang kanilang tinubo sa pangangalakal. Dumating ang una, na nagsasabi, 'Panginoon, tumubo ang iyong mina ng sampung mina pa.' At sinabi niya sa kanya, 'Magaling, mabuting alipin. Sapagkat naging tapat ka sa kakaunti, mamahala ka sa sampung lunsod.' Dumating ang ikalawa, na nagsasabi, 'Panginoon, tumubo ang iyong mina ng limang mina.' Sinabi niya sa kanya, 'Ikaw ay mamamahala sa limang lunsod.' Dumating ang isa pa, na nagsasabi, 'Panginoon, narito ang iyong mina na aking itinago sa isang panyo; ako'y natakot sa iyo, sapagkat ikaw ay taong mahigpit, kinukuha mo ang hindi mo itinabi, at ginagapas mo ang hindi mo inihasik.' Sinabi niya sa kanya, 'Hinahatulan kita mula sa sarili mong bibig, ikaw na masamang alipin. Alam mo na ako'y taong mahigpit, na kumukuha ng hindi ko itinabi, at gumagapas ng hindi ko inihasik. Kung gayon, bakit hindi mo inilagay ang aking salapi sa bangko at nang sa aking pagbalik ay makuha ko iyon pati ng tinubo?' At sinabi niya sa mga nakatayo, 'Kunin ninyo sa kanya ang mina, at ibigay ninyo sa may sampung mina.' Sinabi nila sa kanya, 'Panginoon, siya'y mayroong sampung mina.' 'Sinasabi ko sa inyo na sa bawat mayroon ay higit pang marami ang ibibigay; subalit ang wala, pati ang nasa kanya ay kukunin. Ngunit itong aking mga kaaway, na ayaw na ako'y maghari sa kanila, ay dalhin ninyo rito at patayin sila sa harapan ko.' " Nang masabi niya ang mga bagay na ito, nagpatuloy siya na umakyat tungo sa Jerusalem. Nang siya'y malapit na sa Betfage at Betania, sa bundok na tinatawag na Olibo, ay sinugo niya ang dalawa sa mga alagad, na sinasabi, "Pumunta kayo sa katapat na nayon at sa pagpasok ninyo roon, ay makikita ninyo ang isang nakataling batang asno na hindi pa nasasakyan ng tao. Kalagan ninyo iyon at dalhin ninyo rito. At kung may magtanong sa inyo, 'Bakit ninyo kinakalagan iyan? Ganito ang inyong sasabihin, 'Kailangan siya ng Panginoon.'" Ang mga sinugo ay pumunta at natagpuan ang ayon sa sinabi niya sa kanila. Nang kinakalagan nila ang batang asno, ay sinabi sa kanila ng mga may-ari nito, 'Bakit ninyo kinakalagan ang batang asno?' At sinabi nila, "Kailangan ito ng Panginoon." Dinala nila ito kay Jesus at ipinatong nila ang kanilang mga damit sa batang asno at isinakay nila si Jesus doon. At samantalang siya'y nakasakay, inilalatag ng mga tao ang kanilang mga damit sa daan. Nang malapit na siya sa libis ng bundok ng mga Olibo, ang lahat ng napakaraming mga alagad ay nagpasimulang magalak at magpuri sa Diyos nang may malakas na tinig dahil sa lahat ng mga makapangyarihang gawa na kanilang nakita, na sinasabi, "Mapalad ang Hari na dumarating sa pangalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit, at kaluwalhatian sa kataas-taasan!" Ilan sa mga Fariseo na mula sa maraming tao ay nagsabi sa kanya, "Guro, sawayin mo ang iyong mga alagad." At sumagot siya, "Sinasabi ko sa inyo na kung tatahimik ang mga ito, ang mga bato'y sisigaw." Nang malapit na siya at nakita ang lunsod, ito'y kanyang iniyakan, na sinasabi, "Kung sa araw na ito ay alam mo sana ang mga bagay na tungo sa kapayapaan! Subalit ngayo'y nakakubli ito sa iyong mga mata. Sapagkat darating sa iyo ang mga araw, na ang mga kaaway mo ay magtatayo ng muog sa palibot mo at papaligiran ka, at gigipitin ka sa bawat panig. At ibabagsak ka sa lupa, ikaw at ang iyong mga anak na nasa iyo. Sa iyo'y hindi sila mag-iiwan ng bato sa ibabaw ng kapwa bato; sapagkat hindi mo kinilala ang panahon ng pagdalaw sa iyo." At pumasok siya sa templo, at pinasimulang itaboy sa labas ang mga nagtitinda, na sinasabi sa kanila, "Nasusulat, 'Ang aking bahay ay magiging bahay-dalanginan,' subalit ginawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw." Nagturo siya araw-araw sa templo. Ngunit pinagsisikapan ng mga punong pari, ng mga eskriba, at ng mga pinuno ng bayan na siya'y patayin. Ngunit wala silang nakitang magagawa nila, sapagkat nakatuon ang pansin ng buong bayan sa kanyang mga salita. Isang araw, samantalang tinuturuan ni Jesus ang mga taong-bayan sa templo at ipinangangaral ang magandang balita, lumapit ang mga pari at ang mga eskriba na kasama ang matatanda. At sinabi nila sa kanya, "Sabihin mo sa amin, sa anong awtoridad mo ginagawa ang mga bagay na ito? O sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na ito?" Siya'y sumagot sa kanila, "Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong, at sabihin ninyo sa akin: Ang bautismo ba ni Juan ay mula sa langit, o mula sa mga tao?" At sila'y nag-usapan sa isa't isa na sinasabi, "Kung sasabihin natin, 'Mula sa langit,' ay sasabihin niya, 'Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?' Subalit kung sasabihin natin, 'Mula sa mga tao,' ay babatuhin tayo ng mga taong-bayan, sapagkat sila'y napapaniwala na si Juan ay isang propeta." Kaya't sila'y sumagot na hindi nila nalalaman kung saan iyon nagmula. At sinabi sa kanila ni Jesus, "Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong awtoridad ko ginagawa ang mga bagay na ito." At sinimulan niyang isalaysay sa taong-bayan ang talinghagang ito: "Isang tao ang nagtanim ng ubasan. Ipinagkatiwala niya ito sa mga magsasaka, at pumunta sa ibang lupain nang mahabang panahon. Nang dumating ang panahon ay nagsugo siya ng isang alipin sa mga magsasaka upang siya'y bigyan mula sa bunga ng ubasan, subalit binugbog siya ng mga magsasaka, at pinaalis na walang dala. Nagsugo siya ng isa pang alipin, subalit ito'y kanilang binugbog din at hiniya, at pinaalis na walang dala. At nagsugo pa siya ng ikatlo. Ito ay kanilang sinugatan at pinagtabuyan. Pagkatapos ay sinabi ng panginoon ng ubasan, Anong gagawin ko? Susuguin ko ang minamahal kong anak, baka siya'y igagalang nila.' Subalit nang makita siya ng mga magsasaka ay sinabi nila sa kanilang mga sarili, 'Ito ang tagapagmana, patayin natin siya upang ang mana ay maging atin.' Kaya't kanilang itinapon siya sa labas ng ubasan at pinatay. Ano kaya ang gagawin sa kanila ng panginoon ng ubasan? Siya'y darating at pupuksain niya ang mga magsasakang ito, at ibibigay ang ubasan sa iba." At nang marinig nila ito ay sinabi nila, "Huwag nawang mangyari." Subalit tumingin siya sa kanila at sinabi, "Ano nga itong nasusulat, 'Ang batong itinakuwil ng mga tagapagtayo ay siyang naging batong panulok?' Ang bawat mahulog sa ibabaw ng batong ito ay magkakadurug-durog, at dudurugin nito ang sinumang mabagsakan nito." Pinagsikapan siyang pagbuhatan ng kamay sa oras na iyon ng mga eskriba at ng mga punong pari, sapagkat nahalata nila na sinabi niya ang talinghagang ito laban sa kanila, subalit sila'y natakot sa taong-bayan. Kaya't siya'y minatyagan nila at nagsugo ng mga espiya na nagkunwaring matatapat, upang siya'y hulihin sa kanyang salita, para siya'y maibigay sa mga pinuno at awtoridad ng gobernador. At kanilang tinanong siya, "Guro, nalalaman namin na ikaw ay nagsasabi at nagtuturo ng matuwid at wala kang pinapanigang tao, kundi itinuturo mo ayon sa katotohanan ang daan ng Diyos. Nararapat bang kami ay magbuwis kay Cesar, o hindi?" Subalit batid niya ang kanilang katusuhan at sinabi sa kanila, "Ipakita ninyo sa akin ang isang denario. Kanino ang larawan at ang nakasulat dito?" At sinabi nila, "Kay Cesar." At sinabi niya sa kanila, "Kung gayo'y ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos." At hindi nila nagawang hulihin siya sa kanyang salita sa harap ng mga taong-bayan. At sa pagkamangha nila sa kanyang sagot sila ay tumahimik. May lumapit sa kanyang ilang Saduceo, na nagsasabing walang muling pagkabuhay. At kanilang tinanong siya, "Guro, isinulat ni Moises para sa amin na kung ang kapatid na lalaki ng isang tao ay mamatay, na may iniwang asawa subalit walang anak, pakakasalan ng lalaki ang balo at bibigyan ng anak ang kanyang kapatid. Ngayon, mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak; gayundin ang pangalawa; at pinakasalan ng pangatlo ang babae, at namatay ang pito na pawang walang iniwang anak. Pagkatapos ay namatay naman ang babae. Kaya't sa muling pagkabuhay, sino ang magiging asawa ng babaing iyon sapagkat siya'y naging asawa ng pito. At sinabi sa kanila ni Jesus, "Ang mga anak ng panahong ito ay nag-aasawa at pinag-aasawa, subalit ang mga itinuturing na karapat-dapat makaabot sa panahong iyon at sa muling pagkabuhay mula sa mga patay, ay hindi nag-aasawa o pinag-aasawa. Hindi na sila mamamatay pa, sapagkat katulad na sila ng mga anghel at sila'y mga anak ng Diyos, palibhasa'y mga anak ng muling pagkabuhay. Subalit ang tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay ay ipinakita maging ni Moises sa kasaysayan tungkol sa mababang punungkahoy, na doon ay tinawag niya ang Panginoon na Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob. Ngunit siya'y hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buhay, sapagkat sa kanya silang lahat ay nabubuhay." At ang ilan sa mga eskriba ay sumagot, "Guro, mahusay ang iyong pagsagot." Sapagkat hindi na sila nangahas magtanong pa sa kanya ng anuman. Kaya't sinabi niya sa kanila, "Paano nila nasasabi na ang Cristo ay anak ni David? Gayong si David mismo ang nagsasabi sa aklat ng Mga Awit, 'Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon; "Maupo ka sa aking kanan, hanggang sa ang iyong mga kaaway ay gawin kong tuntungan ng iyong mga paa."' Tinatawag siya ni David na Panginoon, kaya't paanong siya'y naging anak niya?" At sa pandinig ng lahat ng mga tao ay sinabi niya sa kanyang mga alagad, "Mag-ingat kayo sa mga eskriba na nagnanais lumakad na may mahahabang damit, at gustung-gusto ang mga pagpupugay sa mga pamilihan, ang pangunahing upuan sa mga sinagoga, at ang mga mararangal na lugar sa mga handaan. Nilalamon nila ang mga bahay ng mga balo, at sa pagkukunwari ay nananalangin sila ng mahahaba. Sila ay tatanggap ng lalong malaking kahatulan." Siya'y tumingala, at nakita niya ang mayayaman na naglalagay ng kanilang mga handog sa kabang-yaman. Nakita rin niya ang isang mahirap na babaing balo na naglalagay ng dalawang kusing. At sinabi niya, "Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang mahirap na babaing balong ito ay naglagay ng higit kaysa kanilang lahat. Sapagkat silang lahat ay naglagay mula sa kanilang kasaganaan, samantalang siya mula sa kanyang kahirapan ay inilagay ang lahat ng kanyang kabuhayan." At habang nagsasalita ang ilan tungkol sa templo, kung paanong ito'y napalamutian ng magagandang bato at ng mga handog ay kanyang sinabi, "Tungkol sa mga bagay na ito na inyong nakikita ay darating ang mga araw na walang maiiwan dito ni isang bato sa ibabaw ng kapwa bato, na hindi ibabagsak." Kanilang tinanong siya, "Guro, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? At ano ang magiging tanda kapag malapit nang mangyari ang mga bagay na ito?" At sinabi niya, "Mag-ingat kayo na hindi kayo mailigaw, sapagkat marami ang darating sa aking pangalan, na magsasabi, 'Ako siya!' at, 'Malapit na ang panahon!' Huwag kayong sumunod sa kanila. At kapag kayo'y nakarinig ng mga digmaan at mga kaguluhan, huwag kayong matakot. Sapagkat kailangang mangyari muna ang mga bagay na ito, subalit hindi pa ito ang wakas." Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, "Babangon ang isang bansa laban sa bansa at ang isang kaharian laban sa kaharian. Magkakaroon ng malalakas na lindol, at sa iba't ibang dako ay magkakaroon ng taggutom at mga salot, at magkakaroon ng mga bagay na kakilakilabot, at ng mga dakilang tanda mula sa langit. Subalit bago mangyari ang lahat ng mga bagay na ito ay pagbubuhatan nila kayo ng kanilang mga kamay at uusigin. Dadalhin kayo sa mga sinagoga, sa mga bilangguan at ihaharap kayo sa mga hari at mga gobernador dahil sa aking pangalan. Ito ay magiging pagkakataon upang kayo ay magpatotoo. Ipasiya ninyo sa inyong mga puso na huwag humanda na ipagtanggol ang sarili, sapagkat bibigyan ko kayo ng salita at karunungan na hindi malalabanan o matututulan man ng lahat ng sumasalungat sa inyo. Kayo'y ipagkakanulo maging ng mga magulang at mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan, at ipapapatay nila ang iba sa inyo. Kayo'y kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan. Subalit hindi mawawala sa anumang paraan kahit isang buhok ng inyong ulo. Sa inyong pagtitiis ay makakamit ninyo ang inyong mga kaluluwa. "Subalit kapag nakita ninyong pinaliligiran ng mga hukbo ang Jerusalem, alamin nga ninyo na ang kanyang pagkawasak ay malapit na. Kaya't ang mga nasa Judea ay dapat tumakas patungo sa mga bundok; at ang mga nasa loob ng lunsod ay lumabas, at ang mga nasa labas ng lupain ay huwag pumasok doon; sapagkat ito ang mga araw ng paghihiganti, upang matupad ang lahat ng mga bagay na nasusulat. Kahabag-habag ang mga buntis at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon! Sapagkat magkakaroon ng malaking pagdurusa sa ibabaw ng lupa at poot laban sa sambayanang ito. Sila'y mabubuwal sa pamamagitan ng talim ng tabak at dadalhing bihag sa lahat ng mga bansa. Yuyurakan ang Jerusalem ng mga Hentil, hanggang sa matupad ang mga panahon ng mga Hentil. "At magkakaroon ng mga tanda sa araw, at buwan, at mga bituin, at sa lupa'y magkakaroon ng kahirapan sa mga bansa, na nalilito dahil sa ugong ng dagat at mga daluyong. Ang mga tao ay manlulupaypay dahil sa takot, at mangangamba sa mga bagay na darating sa daigdig, sapagkat ang mga kapangyarihan sa mga langit ay mayayanig. Pagkatapos ay makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa isang ulap na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian. Kapag nagsimulang mangyari ang mga bagay na ito, tumingala kayo at itaas ninyo ang inyong mga ulo, sapagkat malapit na ang katubusan ninyo." At isinalaysay niya sa kanila ang isang talinghaga: "Masdan ninyo ang puno ng igos at ang lahat ng mga punungkahoy; kapag mayroon na silang mga dahon ay nakikita mismo ninyo at nalalaman na malapit na ang tag-araw. Gayundin naman kayo, kapag nakita ninyong nangyayari ang mga bagay na ito, nalalaman ninyo na malapit na ang kaharian ng Diyos. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi lilipas ang salinlahing ito, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay. Ang langit at ang lupa ay lilipas, subalit ang aking salita ay hindi lilipas. "Subalit mag-ingat kayo sa inyong sarili, baka magumon ang inyong mga puso sa katakawan, at kalasingan, at sa mga alalahanin ukol sa buhay na ito, at biglang dumating ang araw na iyon na parang bitag. Sapagkat ito ay darating sa lahat ng nabubuhay sa ibabaw ng lupa. Subalit maging handa kayo sa bawat panahon, na nananalanging magkaroon kayo ng lakas upang makatakas sa lahat ng mga bagay na ito na mangyayari, at upang makatayo kayo sa harapan ng Anak ng Tao." Araw-araw ay nagtuturo siya sa templo; subalit sa gabi ay lumalabas siya at ginugugol ang magdamag sa bundok na tinatawag na Olibo. At lahat ng mga tao ay maagang pumaparoon sa kanya sa templo upang pakinggan siya. Ang pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, na tinatawag na Paskuwa, ay papalapit na. Naghahanap ng paraan ang mga punong pari at ang mga eskriba kung paano nila maipapapatay si Jesus sapagkat natatakot sila sa mga tao. Pumasok si Satanas kay Judas, na tinatawag na Iscariote, na isa sa labindalawa. Siya'y umalis at nakipag-usap sa mga punong pari at mga punong ka wal kung paanong kanyang maipagkakanulo siya sa kanila. At sila'y natuwa at nagkasundong bigyan siya ng salapi. Kaya't pumayag siya at humanap ng tamang pagkakataon upang kanyang maipagkanulo siya sa ka nila na hindi kaharap ang maraming tao. Dumating ang araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, na noon ay kailangang ihandog ang kordero ng Paskuwa. Kaya't isinugo ni Jesus sina Pedro at Juan, na sinasabi, "Humayo kayo at ihanda ninyo ang paskuwa para sa atin, upang ating kainin ito." At kanilang sinabi sa kanya, "Saan mo gustong ihanda namin ito?" At kanyang sinabi sa kanila, "Narito, pagpasok ninyo sa lunsod ay sasalubungin kayo ng isang lalaki na may dalang isang bangang tubig. Sundan ninyo siya hanggang sa bahay na kanyang papasukan. At sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, 'Sinasabi ng Guro sa iyo, "Saan ang silid para sa panauhin na doon ay aking kakainin ang Paskuwa na kasalo ng aking mga alagad?"' Ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na may mga kagamitan. Doon kayo maghanda." At humayo sila, at natagpuan ito ayon sa sinabi niya sa kanila, at inihanda nila ang Paskuwa. Nang dumating ang oras ay naupo siya sa hapag, at ang mga apostol ay kasama niya. Sinabi niya sa kanila, "Pinakahahangad kong kainin na kasalo kayo ang kordero ng Paskuwang ito bago ako magdusa, sapagkat sinasabi ko sa inyo, ito'y hindi ko kakainin hanggang sa ito'y ganapin sa kaharian ng Diyos." At siya'y tumanggap ng isang kopa at nang siya'y makapagpasalamat, sinabi niya, "Kunin ninyo ito, at inyong paghatihatian. Sapagkat sinasabi ko sa inyo, na mula ngayon ay hindi na ako iinom ng katas ng ubas, hanggang sa dumating ang kaharian ng Diyos." At siya'y dumampot ng tinapay, at nang siya'y makapagpasalamat, kanyang pinagputul-putol, at ibinigay sa kanila, na sinasabi, "Ito'y aking katawan na ibinibigay dahil sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin." Gayundin naman ang kopa, pagkatapos ng hapunan, na sinasabi, "Ang kopang ito na nabubuhos nang dahil sa inyo ay ang bagong tipan sa aking dugo. Subalit tingnan ninyo, ang nagkakanulo sa akin ay kasama ko, at ang kamay niya ay nasa hapag. Sapagkat ang Anak ng Tao ay patungo ayon sa itinakda, subalit kahabag-habag ang taong nagkakanulo sa kanya!" At sila'y nagsimulang magtanungan sa isa't isa, kung sino sa kanila ang gagawa nito. Nagkaroon ng isang pagtatalutalo sa gitna nila, kung sino kaya sa kanila ang ituturing na pinaka dakila. At kanyang sinabi sa kanila, "Ang mga hari ng mga Hentil ay nagpapapanginoon sa kanila; at ang mga may awtoridad sa kanila'y tinatawag na mga tagapagpala. Subalit sa inyo'y hindi gayon. Sa halip, ang pinakadakila sa inyo ang maging pinakabata at ang pinuno ang siyang naglilingkod. Sapagkat alin ang higit na dakila, ang nakaupo ba sa hapag, o ang naglilingkod? Hindi ba ang nakaupo sa hapag? Subalit ako'y kasama ninyo na gaya ng isang naglilingkod. "Kayo'y yaong patuloy na kasama ko sa mga pagsubok sa akin. At inilalaan ko sa inyo kung paanong ang Ama ay naglaan para sa akin ng isang kaharian, upang kayo'y kumain at uminom sa aking hapag sa kaharian ko, at kayo'y umupo sa mga trono, na hinuhukuman ang labindalawang lipi ni Israel." "Simon, Simon, narito, hiningi ni Satanas na ligligin kayo gaya ng trigo, subalit ako ay nanalangin para sa iyo upang ang iyong pananampalataya ay huwag mawala; kung makabalik ka nang muli, ay palakasin mo ang iyong mga kapatid." At sinabi niya sa kanya, "Panginoon, handa akong sumama sa iyo sa bilangguan at sa kamatayan." Sinabi ni Jesus, "Sinasabi ko sa iyo, Pedro, ang manok ay hindi titilaok sa araw na ito hanggang hindi mo ako naipagkakaila ng tatlong ulit." At sinabi niya sa kanila, "Nang kayo'y suguin ko na walang supot ng salapi, o supot ng pagkain, at mga sandalyas, kinulang ba kayo ng anuman?" At kanilang sinabi, "Hindi." Sinabi niya sa kanila, "Ngunit ngayon, ang mayroong supot ng salapi ay dalhin ito, at gayundin ang supot ng pagkain. At ang walang tabak ay ipagbili niya ang kanyang balabal, at bumili ng isang tabak. Sapagkat sinasabi ko sa inyo na ang kasulatang ito ay kailangang matupad sa akin, 'At ibinilang siya sa mga suwail'; sapagkat ang nasusulat tungkol sa akin ay natutupad." At sinabi nila, "Panginoon, tingnan ninyo, narito ang dalawang tabak." Sinabi naman niya sa kanila, "Tama na iyan." At siya'y lumlabas at pumaroon, gaya ng kanyang nakaugalian, sa bundok ng mga Olibo at sumunod naman sa kanya ang mga alagad. Nang siya'y dumating sa pook na iyon, ay sinabi niya sa kanila, "Manalangin kayo upang hindi kayo pumasok sa panahon ng pagsubok." Siya'y humiwalay sa kanila na may agwat na isang pukol ng bato. Siya'y lumuhod at nanalangin, "Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang kopang ito; gayunma'y huwag ang kalooban ko ang mangyari kundi ang sa iyo." [Nagpakita sa kanya ang isang anghel na mula sa langit na nagpalakas sa kanya. Sa kanyang matinding paghihirap ay nanalangin siya ng higit na taimtim, at ang kanyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo na tumutulo sa lupa.] Pagtayo niya mula sa pananalangin, lumapit Siya sa mga alagad at naratnan silang natutulog dahil sa kalungkutan, at sinabi sa kanila, "Bakit kayo natutulog? Bumangon kayo at manalangin, upang hindi kayo pumasok sa tukso." Samantalang nagsasalita pa siya, dumating ang maraming tao, at ang lalaking tinatawag na Judas, na isa sa labindalawa ay nangunguna sa kanila. Siya'y lumapit kay Jesus upang ito'y hagkan; subalit sinabi ni Jesus sa kanya, "Judas, ipinagkakanulo mo ba ang Anak ng Tao sa pamamagitan ng isang halik?" Nang makita ng mga kasama niya ang mangyayari ay kanilang sinabi, "Panginoon, mananaga ba kami sa pamamagitan ng tabak?" At tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng pinakapunong pari at tinagpas ang kanang tainga nito. At sumagot si Jesus, "Tigil! Tama na!" At hinawakan niya ang tainga at pinagaling siya. Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa mga punong pari, sa mga punong kawal sa templo, at sa matatanda, na dumating laban sa kanya, "Kayo ba'y lumabas na parang laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga panghampas? Nang ako'y kasama ninyo sa templo araw-araw, hindi ninyo binuhat ang inyong mga kamay laban sa akin. Subalit ito ang inyong oras, at ng kapangyarihan ng kadiliman." At kanilang dinakip siya, inilayo, at dinala sa bahay ng pinakapunong pari. Si Pedro ay sumunod mula sa malayo. At nang makapagpaningas sila ng apoy sa gitna ng patyo at makaupong magkakasama, si Pedro ay nakiupong kasama nila. Samantalang siya'y nakaupo sa liwanag ng apoy, nakita siya ng isang alilang babae, tumitig sa kanya at nagsabi, "Ang taong ito ay kasama rin niya." Subalit itinanggi niya ito at sinabi, "Babae, hindi ko siya nakikilala." Pagkaraan ng isang sandali ay nakita siya ng isa pa at sinabi, "Ikaw ay isa rin sa kanila." Subalit sinabi ni Pedro, "Ginoo, hindi ako." Nang makaraan ang may isang oras, may isa pa na nagpipilit na nagsasabi, "Tiyak na ang taong ito'y kasama rin niya, sapagkat siya'y taga-Galilea." Subalit sinabi ni Pedro, "Ginoo, hindi ko nalalaman ang sinasabi mo." At kaagad, samantalang siya'y nagsasalita pa, tumilaok ang isang manok. Lumingon ang Panginoon at tumingin kay Pedro. At naalala ni Pedro ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya sa kanya, "Bago tumilaok ang manok ngayon, ay ipagkakaila mo ako ng tatlong ulit." At siya'y lumabas, at umiyak nang buong pait. Nilibak at hinampas si Jesus ng mga lalaking nagbabantay sa kanya. Siya'y piniringan din nila at pinagtatanong, "Hulaan mo! Sino ang humampas sa iyo?" Nagsalita pa sila ng maraming mga panlalait laban sa kanya. Nang mag-umaga na, nagkatipon ang kapulungan ng matatanda sa bayan, ang mga punong pari, at gayundin ang mga eskriba. Kanilang dinala siya sa kanilang Sanhedrin, at sinabi nila, "Kung ikaw ang Cristo, sabihin mo sa amin." Subalit sinabi niya sa kanila, "Kung sasabihin ko sa inyo, hindi ninyo ako paniniwalaan; at kung kayo'y aking tanungin ay hindi kayo sasagot. Ngunit magmula ngayon ang Anak ng Tao ay mauupo sa kanan ng kapangyarihan ng Diyos." Sinabi nilang lahat, "Kung gayo'y ikaw ba ang Anak ng Diyos?" At sinabi niya sa kanila, "Kayo ang nagsasabi na ako nga." Sinabi nila, "Kailangan pa ba natin ng saksi? Tayo na mismo ang nakarinig mula sa kanyang bibig." Tumindig ang buong karamihan at dinala si Jesus harap ni Pilato. Nagsimula silang ipagsakdal siya na sinasabi, "Natagpuan namin ang taong ito na inililigaw ang aming bansa, at pinagbabawalan kaming magbuwis kay Cesar, at sinasabi na siya mismo ang Cristo, ang hari." At tinanong siya ni Pilato, "Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?" Sumagot siya at sinabi, "Ikaw ang nagsasabi." Sinabi ni Pilato sa mga punong pari at sa mga tao, "Wala akong makitang kasalanan sa taong ito." Subalit sila'y lalong nagpipilit na sinasabi, "Ginugulo niya ang sambayanan at nagtuturo sa buong Judea, magbuhat sa Galilea hanggang sa dakong ito." Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung ang taong iyon ay taga-Galilea. At nang kanyang malaman na siya'y sakop ni Herodes, kanyang ipinadala siya kay Herodes, na nang panahong iyon ay nasa Jerusalem din. Nang makita ni Herodes si Jesus, siya ay tuwang-tuwa, sapagkat matagal na niyang nais na makita siya sapagkat nakabalita siya ng tungkol sa kanya; at siya'y umaasang makakita ng ilang himalang ginawa niya. Kaya't kanyang tinanong siya ng matagal subalit si Jesus ay hindi sumagot ng anuman. Ang mga punong pari at ang mga eskriba ay nanatili, at marahas siyang pinagbibintangan. At hinamak siya at nilibak ni Herodes at ng mga kawal na kasama niya. Sinuotan siya ng maringal na damit at ibinalik kay Pilato. Nang araw ding iyon ay naging magkaibigan si Herodes at si Pilato sa isa't isa; sapagkat sila'y dating magkagalit. Tinipon ni Pilato ang mga punong pari, ang mga pinuno at ang mga taong-bayan, at sinabi sa kanila, "Dinala ninyo sa akin ang taong ito na gaya ng isang nag-uudyok na maghimagsik ang bayan. At narito, nang aking siyasatin siya sa harapan ninyo, hindi ko nakitang nagkasala ang taong ito ng alinman sa mga bagay na ibinibintang ninyo laban sa kanya. Maging si Herodes man, sapagkat kanyang ibinalik siya sa atin at tingnan ninyo, wala siyang ginawang anumang nararapat sa kamatayan. Kaya't siya'y aking ipapahagupit at palalayain." [Kinakailangan nga niyang sa kanila’y magpakawala ng isang bilanggp sa kapistahan.] Subalit silang lahat ay sama-samang sumigaw, "Alisin ang taong ito, palayain si Barabas para sa amin." Ito'y isang taong nabilanggo dahil sa isang paghihimagsik na nangyari sa lunsod, at dahil sa pagpatay ng tao. Si Pilato'y muling nagsalita sa kanila sa kagustuhang palayain si Jesus. Subalit sila'y nagsigawan, "Ipako sa krus, ipako siya sa krus." Sa ikatlong pagkakataon ay kanyang sinabi sa kanila, "Bakit, anong kasamaan ang ginawa ng taong ito? Wala akong nakitang anumang batayan para sa parusang kamatayan. Kaya't siya'y aking ipapahagupit at saka palalayain." Subalit pinipilit nilang hingin na ipinagsisigawan na siya'y ipako sa krus. At nanaig ang kanilang mga tinig. At ipinasiya ni Pilato na ipagkaloob ang kanilang hinihingi. Pinalaya niya ang taong kanilang hinihiling, ang taong ibinilanggo dahil sa paghihimagsik at sa pagpatay, subalit kanyang ibinigay si Jesus gaya ng nais nila. Habang kanilang dinadala siyang papalayo, hinuli nila si Simon na taga-Cirene na nanggaling sa bukid, at ipinasan sa kanya ang krus upang dalhin kasunod ni Jesus. Siya'y sinundan ng napakaraming tao, at ng mga babaing nagdadalamhati at nag-iiyakan para sa kanya. Subalit humarap sa kanila si Jesus at sinabi, "Mga anak na babae ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan, kundi iyakan ninyo ang inyong mga sarili at ang inyong mga anak. Sapagkat narito, darating ang mga araw, na kanilang sasabihin, 'Mapapalad ang mga baog, at ang mga tiyan na kailanma'y hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na kailanman ay hindi nagpasuso!' At sila'y magpapasimulang magsalita sa mga bundok, 'Bumagsak kayo sa amin,' at sa mga burol, Takpan ninyo kami.' Sapagkat kung ginagawa nila ang mga bagay na ito kapag ang punungkahoy ay sariwa, anong mangyayari kapag ito ay tuyo? Dinala rin upang pataying kasama niya ang dalawang kriminal. Nang dumating sila sa lugar na tinatawag na Bungo, kanilang ipinako siya sa krus, kasama ng mga kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kanyang kaliwa. [Sinabi ni Jesus, "Ama, patawarin mo sila, sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa."] At sila ay nagpalabunutan upang paghatian ang kanyang damit. Nakatayong nanonood ang taong-bayan. Subalit tinutuya naman siya ng mga pinuno, na sinasabi, "Iniligtas niya ang iba, iligtas niya ang kanyang sarili kung siya ang Cristo ng Diyos, ang Pinili." Nililibak din siya ng mga kawal na lumapit sa kanya, at inalok siya ng suka, at sinasabi, "Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili!" Mayroon ding nakasulat na pamagat sa itaas niya, "Ito'y ang Hari ng mga Judio." Patuloy siyang pinagtawanan ng isa sa mga kriminal na ipinako, na nagsasabi, "Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at kami!" Subalit sinaway siya ng isa, at sa kanya'y sinabi, "Hindi ka pa ba natatakot sa Diyos, yamang ikaw ay nasa gayunding hatol ng kaparusahan? Tayo ay nahatulan ng matuwid, sapagkat tinanggap natin ang nararapat na kabayaran sa ating mga gawa. Subalit ang taong ito'y hindi gumawa ng anumang masama." Sinabi niya, "Jesus, alalahanin mo ako, pagdating mo sa iyong kaharian." At sumagot siya, "Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ngayon ikaw ay makakasama ko sa Paraiso." Nang magtatanghaling-tapat na, nagdilim sa ibabaw ng buong lupain hanggang sa ikatlo ng hapon, habang madilim ang araw; at napunit sa gitna ang tabing ng templo. Si Jesus ay sumigaw ng malakas at nagsabi, "Ama, sa mga kamay mo ay inihahabilin ko ang aking espiritu." At pagkasabi nito ay nalagot ang kanyang hininga. Nang makita ng senturion ang nangyari, pinuri niya ang Diyos at sinabi, "Tunay na ito'y isang taong matuwid." At ang lahat ng mga taong nagkatipon upang makita ang panoorin, nang makita nila ang mga bagay na nangyari ay umuwing dinadagukan ang kanilang mga dibdib. At ang lahat ng mga kakilala niya at ang mga babaing sa kanya'y sumunod buhat sa Galilea ay nakatayo sa malayo at nakita ang mga bagay na ito. Mayroong isang mabuti at matuwid na lalaking ang pangalan ay Jose, na bagaman kaanib ng sanggunian, ay hindi sang-ayon sa kanilang panukala at gawa. Siya'y mula sa Arimatea, isang bayan ng mga Judio, at siya'y naghihintay sa kaharian ng Diyos. Ang taong ito'y lumapit kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. At ito'y ibinaba niya, binalot ng isang telang lino, at inilagay sa isang libingang hinukay sa bato, na doo'y wala pang naililibing. Noo'y araw ng Paghahanda, at malapit na ang Sabbath. Ang mga babae na sumama sa kanya mula sa Galilea ay sumunod at tiningnan ang libingan at kung paano inilagay ang kanyang bangkay. Sila'y umuwi at naghanda ng mga pabango at mga panghaplos. At nang araw ng Sabbath sila'y nagpahinga ayon sa kautusan. Subalit nang unang araw ng sanlinggo sa pagbubukang-liwayway, pumunta sila sa libingan, dala ang mga pabango na kanilang inihanda. At nakita nilang naigulong na ang bato mula sa libingan. Subalit nang sila'y pumasok ay hindi nila nakita ang bangkay. Habang sila'y nagtataka tungkol dito, biglang may dalawang lalaki na nakasisilaw ang mga damit ang tumayo sa tabi nila. Ang mga babae ay natakot at isinubsob ang kanilang mga mukha sa lupa, subalit sinabi ng mga lalaki sa kanila, "Bakit ninyo hinahanap ang buhay sa gitna ng mga patay? Wala siya rito, kundi muling nabuhay. Alalahanin ninyo kung paanong siya ay nagsalita sa inyo noong siya'y nasa Galilea pa, na ang Anak ng Tao ay kailangang ibigay sa mga kamay ng mga makasalanan, at ipako sa krus, at muling mabuhay sa ikatlong araw." At naalala nila ang kanyang mga salita, at pagbabalik mula sa libingan, ibinalita nila ang lahat ng mga bagay na ito sa labing-isa, at sa lahat ng iba pa. Ang nagbalita ng mga bagay na ito sa mga apostol ay sina Maria Magdalena, Juana, Maria na ina ni Santiago, at iba pang mga babaing kasama nila. Subalit ang mga salitang ito'y inakala nilang walang kabuluhan at hindi nila pinaniwalaan. [Subalit tumayo si Pedro at tumakbo sa libingan. Siya'y yumukod at pagtingin niya sa loob ay nakita niya ang mga telang lino na nasa isang tabi. Umuwi siya sa kanyang bahay na nagtataka sa nangyari.] Nang araw ding iyon, dalawa sa kanila ang patungo sa isang nayong tinatawag na Emaus, na may animnapung estadia ang layo sa Jerusalem, at pinag-uusapan nila ang tungkol sa lahat ng mga bagay na ito na nangyari. Samantalang sila'y nag-uusap at nagtatanungan, si Jesus mismo ay lumapit at naglakbay na kasama nila. Subalit ang kanilang mga mata ay hindi pinahihintulutan na makilala siya. At sinabi niya sa kanila, "Ano ba ang inyong pinag-uusapan sa inyong paglalakad?" At sila'y tumigil na nalulungkot. Isa sa kanila, na ang pangalan ay Cleopas, ang sumagot sa kanya, "Ikaw lang ba ang tanging dayuhan sa Jerusalem na hindi nakakaalam ng mga bagay na nangyari sa mga araw na ito?" Sinabi niya sa kanila, "Anong mga bagay?" At sinabi nila sa kanya, "Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, na isang propetang makapangyarihan sa gawa at sa salita sa harap ng Diyos at ng buong sambayanan, at kung paanong siya ay ibinigay ng mga punong pari at ng mga pinuno upang hatulan ng kamatayan, at siya'y ipinako sa krus. Subalit umasa kami na siya ang tutubos sa Israeli. Oo, at bukod sa lahat ng mga ito, ngayon ang ikatlong araw buhat nang mangyari ang mga bagay na ito. Bukod dito, binigla kami ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Sila ay maagang pumunta sa libingan, at nang hindi nila matagpuan ang kanyang bangkay, sila ay bumalik. Sinabi nilang sila ay nakakita ng isang pangitain ng mga anghel na nagsabing siya'y buhay. Pumaroon sa libingan ang ilang kasama namin at nakita nila ang ayon sa sinabi ng mga babae, subalit siya'y hindi nila nakita." At sinabi niya sa kanila, "O napakahangal naman ninyo at napakakupad ang mga puso sa pagsampalataya sa lahat ng ipinahayag ng mga propeta! Hindi ba kailangang ang Cristo ay magdusa ng mga bagay na ito at pagkatapos ay pumasok sa kanyang kaluwalhatian?" At magmula kay Moises at sa mga propeta ay ipinaliwanag niya sa kanila ang mga bagay tungkol sa kanya sa lahat ng mga kasulatan. Nang sila'y malapit na sa nayong kanilang paroroonan, nauna siya na parang magpapatuloy pa. Subalit kanilang pinigil siya at sinabi, "Tumuloy ka sa amin, sapagkat gumagabi na, at lumulubog na ang araw." At pumasok siya upang tumuloy sa kanila. Habang siya'y nakaupong kasalo nila sa hapag, kanyang dinampot ang tinapay at binasbasan. Ito'y kanyang pinagputul-putol at ibinigay sa kanila. Nabuksan ang kanilang mga mata, siya'y nakilala nila, at siya'y nawala sa kanilang mga paningin. Sinabi nila sa isa't isa, "Hindi ba nag-aalab ang ating puso sa loob natin. habang tayo'y kinakausap niya sa daan, samantalang binubuksan niya sa atin ang mga kasulatan?" Sa oras ding iyon ay tumayo sila at bumalik sa Jerusalem at naratnang nagkakatipon ang labing-isa at ang kanilang mga kasama. Sinasabi nila, "Talagang bumangon ang Panginoon at nagpakita kay Simon!" At isinalaysay nila ang mga bagay na nangyari sa daan at kung paanong siya'y nakilala nila nang pagputul-putulin niya ang tinapay. Samantalang kanilang pinag-uusapan ang mga bagay na ito, si Jesus ay tumayo sa gitna nila at sinabi sa kanila, "Sumainyo ang kapayapaan." Subalit sila'y kinilabutan at natakot at inakala nila na nakakakita sila ng isang espiritu. Sinabi niya sa kanila, "Bakit kayo'y natatakot at bakit may pag-aalinlangan sa inyong puso? Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, sapagkat ako nga ito. Hipuin ninyo ako, at tingnan, sapagkat ang isang espiritu'y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin." [Pagkasabi niya nito ay ipinakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa.] Samantalang nasa kanilang kagalakan ay hindi pa sila naniniwala at nagtataka, sinabi niya sa kanila, "Mayroon ba kayo ritong anumang makakain?" At kanilang binigyan siya ng isang pirasong inihaw na isda. Kanyang kinuha iyon at kumain sa harapan nila. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, "Ito ang aking mga salitang sinabi ko sa inyo, noong ako'y kasama pa ninyo, na kailangang matupad ang lahat ng mga bagay na nakasulat tungkol sa akin sa kautusan ni Moises, sa mga propeta, at sa mga awit." At binuksan niya ang kanilang mga pag-iisip upang maunawaan nila ang mga kasulatan. Sinabi niya sa kanila, "Ganyan ang nasusulat, na kailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay mula sa mga patay sa ikatlong araw; at ipangaral ang pagsisisi at pagpapatawad ng mga kasalanan sa kanyang pangalan sa lahat ng mga bansa, mula sa Jerusalem. Kayo'y mga saksi ng mga bagay na ito. At tingnan ninyo, ipapadala ko sa inyo ang pangako ng aking Ama, subalit manatili kayo sa lunsod, hanggang sa mabihisan kayo ng kapangyarihang galing sa itaas." Kanyang inilabas sila hanggang sa tapat ng Betania at nang maitaas niya ang kanyang mga kamay, sila'y kanyang binasbasan. At habang binabasbasan niya sila, kanyang iniwan sila [at dinala siya paitaas sa langit]. Siya'y sinamba nila at bumalik sila sa Jerusalem na may malaking kagalakan. At sila'y palaging nasa templo na nagpupuri sa Diyos. Sa simula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. Sa simula ay kasama na siya ng Diyos. Lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan niya at kung wala siya ay hindi nagawa ang anumang bagay na ginawa. Nasa sa kanya ang buhay at ang buhay ay siyang ilaw ng mga tao. Ang ilaw ay lumiliwanag sa kadiliman; at ito'y hindi nagapi ng kadiliman. Mayroong isang tao na isinugo mula sa Diyos na ang pangalan ay Juan. Siya ay dumating bilang saksi, upang magpatotoo tungkol sa ilaw, upang sa pamamagitan niya'y sumampalataya ang lahat. Hindi siya ang ilaw, kundi dumating siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw. Siya ang tunay na ilaw na tumatanglaw sa bawat dumarating sa sanlibutan. Siya noon ay nasa sanlibutan at ang sanlibutan ay ginawa sa pamamagitan niya, gayunma'y hindi siya nakilala ng sanlibutan. Siya'y naparito sa kanyang sariling tahanan at siya'y hindi tinanggap ng kanyang sariling bayan. Subalit ang lahat ng tumanggap sa kanya na sumasampalataya sa kanyang pangalan ay kanyang pinagkalooban sila ng karapatan na maging mga anak ng Diyos, na ipinanganak hindi sa dugo, sa kalooban ng laman, o sa kalooban ng tao, kundi ng Diyos. At naging tao ang Salita at tumahang kasama namin, at nakita namin ang kanyang kaluwalhatian, kaluwalhatiang gaya ng sa tanging Anak ng Ama, puspos ng biyaya at katotohanan. Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya at sumigaw, "Siya yaong aking sinasabi, 'Ang dumarating na kasunod ko ay naging una sa akin sapagkat siya'y nauna sa akin.' " At mula sa kanyang kapuspusan ay tumanggap tayong lahat, biyaya na sinundan pa ng ibang biyaya. Sapagkat ibinigay sa pamamagitan ni Moises ang kautusan; ang biyaya at ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Walang sinumang nakakita kailanman sa Diyos. Ang Diyos na tanging Anak na nasa kandungan ng Ama ang nagpakilala sa kanya. Ito ang patotoo ni Juan nang suguin ng mga Judio ang mga pari at mga Levita mula sa Jerusalem upang siya'y tanungin, "Sino ka ba?" Siya'y nagpahayag at hindi ikinaila kundi sinabing, "Hindi ako ang Cristo." Siya'y kanilang tinanong, "Kung gayo'y, ikaw ba si Elias?" At sinabi niya, "Hindi ako." "Ikaw ba ang propeta?" At siya'y sumagot, "Hindi." Sinabi nila sa kanya, "Sino ka ba? Bigyan mo kami ng isasagot sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?" Sinabi niya, "Ako ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang na lugar, "Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon, gaya ng sinabi ng propeta Isaias.'" Sila'y mga sugo buhat sa mga Fariseo. Siya'y tinanong nila, "Kung gayo'y bakit ka nagbabautismo, kung hindi ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang propeta?" Sila'y sinagot ni Juan, "Ako'y nagbabautismo sa tubig; sa gitna ninyo'y may isang nakatayo na hindi ninyo kilala, na pumaparitong kasunod ko at hindi ako karapat-dapat magkalag ng panali ng kanyang sandalyas." Ang mga bagay na ito'y nangyari sa Betania, sa kabilang ibayo ng Jordan, na pinagbabautismuhan ni Juan. Kinabukasan, nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kanya, at kanyang sinabi, "Narito ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan! Siya yaong aking sinasabi, 'Kasunod ko'y dumarating ang isang lalaki na higit pa sa akin, sapagkat siya'y nauna sa akin. Hindi ko siya nakilala, dahil dito'y naparito ako na nagbabautismo sa tubig upang siya'y mahayag sa Israel." Nagpatotoo si Juan, "Nakita ko ang Espiritu na bumababang tulad sa isang kalapati na buhat sa langit at dumapo sa kanya. Hindi ko siya nakilala subalit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ay nagsabi sa akin, 'Ang nakita mong babaan ng Espiritu at manatili sa kanya, ay siya ang nagbabautismo sa Espiritu Santo.' Aking nakita at pinatotohanan kong ito ang Anak ng Diyos." Kinabukasan, muling naroon si Juan kasama ng dalawa sa kanyang mga alagad. At kanyang tiningnan si Jesus samantalang siya'y naglalakad at sinabi, "Narito ang Kordero ng Diyos!" Narinig siya ng dalawang alagad na nagsalita nito, at sila'y sumunod kay Jesus. Paglingon ni Jesus at nakita silang sumusunod ay sinabi niya sa kanila, "Ano ang inyong hinahanap?" At sinabi nila sa kanya, "Rabi (na kung isasalin ang kahulugan ay Guro), saan ka nakatira?" Sinabi niya sa kanila, "Halikayo at tingnan ninyo." Pumunta nga sila at nakita kung saan siya nakatira; at sila'y nanatiling kasama niya nang araw na iyon. Noon ang oras ay mag-iikasampu. Ang isa sa dalawang nakarinig ng pagsasalita ni Juan, at sumunod sa kanya, ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. Una niyang natagpuan ang kanyang kapatid na si Simon, at sa kanya'y sinabi, "Natagpuan na namin ang Mesiyas"— na kung isasalin ay Cristo. Kanyang dinala si Simon kay Jesus. Siya'y tiningnan ni Jesus at sinabi, "Ikaw ay si Simon na anak ni Juan. Tatawagin kang Cefas"— (na kung isasalin ang kahulugan ay Pedro.) Kinabukasan ay ipinasiya ni Jesus na pumunta sa Galilea. Kanyang nakita si Felipe, at sa kanya'y sinabi ni Jesus, "Sumunod ka sa akin." Si Felipe nga ay taga-Bethsaida, sa lunsod nina Andres at Pedro. Natagpuan ni Felipe si Nathanael, at sinabi sa kanya, "Natagpuan namin iyong isinulat ni Moises sa Kautusan, at gayundin ng mga propeta, si Jesus na taga-Nazaret, ang anak ni Jose." Sinabi sa kanya ni Nathanael, "Mayroon bang mabuting bagay na maaaring manggaling sa Nazaret?" Sinabi sa kanya ni Felipe, "Halika at tingnan mo." Nakita ni Jesus si Nathanael na lumalapit sa kanya, at sinabi ang tungkol sa kanya, "Narito ang isang tunay na Israelita na sa kanya'y walang pandaraya!" Tinanong siya ni Nathanael, "Paano mo ako nakilala?" Si Jesus ay sumagot, "Bago ka tinawag ni Felipe, nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos ay nakita kita." Sumagot si Nathanael sa kanya, "Rabi, ikaw ang Anak ng Diyos; ikaw ang Hari ng Israel." Si Jesus ay sumagot sa kanya, "Dahil ba sa sinabi ko sa iyo, 'Nakita kita sa ilalim ng puno ng igos,' kaya ikaw ay sumasampalataya? Higit na dakilang mga bagay ang makikita mo kaysa rito." Sinabi niya sa kanya, "Katotohanang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong bukas ang langit, at ang mga anghel ng Diyos na nagmamanhik-manaog sa Anak ng Tao." Nang ikatlong araw ay nagkaroon ng isang kasalan sa Cana ng Galilea at naroon ang ina ni Jesus. Inanyayahan din si Jesus at ang kanyang mga alagad sa kasalan. Nang magkulang ng alak, sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, "Wala silang alak." Sinabi sa kanya ni Jesus, "Babae, anong kinalaman niyon sa akin at sa iyo? Ang aking oras ay hindi pa dumating." Sinabi ng kanyang ina sa mga lingkod, "Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo." Doon ay mayroong anim na tapayang bato para sa kaugaliang paglilinis ng mga Judio na naglalaman ang bawat isa ng dalawa o tatlong bangang tubig. Sinabi sa kanila ni Jesus, "Punuin ninyo ng tubig ang mga tapayan." Kanilang pinuno ang mga ito hanggang sa labi. Sinabi niya sa kanila, "Kumuha kayo ngayon, at inyong dalhin sa pinuno ng handaan." At kanila ngang dinala. Nang matikman ng pinuno ng handaan ang tubig na naging alak, at hindi niya alam kung saan ito nanggaling (subalit nalalaman ng mga lingkod na kumuha ng tubig), tinawag ng pinuno ng handaan ang lalaking bagong kasal. At sinabi sa kanya, "Ang bawat tao ay unang naghahain ng mataas na uring alak, pagkatapos ay ang mababang uring alak kapag ang mga panauhin ay nakainom na. Subalit hanggang ngayon ay itinabi mo ang mabuting alak." Ginawa ito ni Jesus, ang una sa kanyang mga tanda, sa Cana ng Galilea, at ipinahayag ang kanyang kaluwalhatian; at sumampalataya sa kanya ang kanyang mga alagad. Pagkatapos nito ay bumaba siya sa Capernaum, kasama ang kanyang ina, mga kapatid, at ang kanyang mga alagad. Sila'y tumigil doon nang ilang araw. Malapit na noon ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon si Jesus patungo sa Jerusalem. Natagpuan niya sa templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa, mga kalapati, at ang mga nagpapalit ng salapi na nakaupo. Gumawa siya mula sa mga lubid ng isang panghagupit at itinaboy niya silang lahat papalabas sa templo kasama ang mga tupa at mga baka. Ibinuhos din niya ang salapi ng mga mamamalit, at itinaob ang kanilang mga mesa. Sa mga nagtitinda ng mga kalapati ay sinabi niya, "Alisin ninyo rito ang mga bagay na ito; huwag ninyong gawing bahay-pamilihan ang bahay ng aking Ama." Naalala ng kanyang mga alagad na nasusulat, "Ang sigasig para sa iyong bahay ang tutupok sa akin." Ang mga Judio ay sumagot sa kanya, "Anong tanda ang maipapakita mo sa amin sa paggawa mo ng mga bagay na ito? Sinagot sila ni Jesus, "Gibain ninyo ang templong ito at aking itatayo sa loob ng tatlong araw." Sinabi ng mga Judio, "Apatnapu't anim na taon ang pagtatayo ng templong ito, at itatayo mo sa loob ng tatlong araw?" Subalit siya'y nagsasalita tungkol sa templo ng kanyang katawan. Kaya't nang siya ay muling bumangon mula sa mga patay, naalala ng kanyang mga alagad na sinabi niya ito. At naniwala sila sa kasulatan at sa salitang sinabi ni Jesus. Nang siya ay nasa Jerusalem nang kapistahan ng Paskuwa, marami ang sumampalataya sa kanyang pangalan, nang kanilang makita ang mga ginawa niyang tanda. Subalit hindi ipinagkatiwala ni Jesus ang kanyang sarili sa kanila sapagkat kilala niya ang lahat ng mga tao, at hindi niya kailangan ang sinuman upang magpatotoo tungkol sa tao, sapagkat alam niya ang isinasaloob ng tao. May isang lalaking kabilang sa mga Fariseo na ang pangalan ay Nicodemo, isang pinuno ng mga Judio. Siya ay pumunta kay Jesus nang gabi na, at sinabi sa kanya, "Rabi, nalalaman naming ikaw ay isang guro na mula sa Diyos; sapagkat walang makakagawa ng mga tanda na iyong ginagawa, malibang kasama niya ang Diyos." Sumagot sa kanya si Jesus, "Katotohanang sinasabi ko sa iyo, 'Malibang ang isang tao'y ipanganak na muli ay hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.'" Sinabi sa kanya ni Nicodemo, "Paanong maipapanganak ang isang tao kung siya'y matanda na? Makakapasok ba siyang muli sa tiyan ng kanyang ina, at ipanganak?" Sumagot si Jesus, "Katotohanang sinasabi ko sa iyo, malibang ang isang tao'y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos. Ang ipinanganak ng laman ay laman at ang ipinanganak ng Espiritu ay espiritu. Huwag kang magtaka na aking sinabi sa iyo, 'Kailangang kayo'y ipanganak na muli.' Humihihip ang hangin kung saan nito ibig at naririnig mo ang ugong nito, ngunit hindi mo nalalaman kung saan ito nanggagaling at kung saan tutungo. Ganoon ang bawat isang ipinapanganak ng Espiritu. Sumagot si Nicodemo sa kanya, "Paanong mangyayari ang mga bagay na ito?" Sumagot si Jesus sa kanya, "Ikaw ay isang guro sa Israel at hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito? Katotohanang sinasabi ko sa iyo, kami ay nagsasalita tungkol sa nalalaman namin, at nagpapatotoo sa nakita namin, subalit hindi ninyo tinanggap ang aming patotoo. Kung sinabi ko sa inyo ang mga bagay na makalupa at hindi ninyo pinaniniwalaan, paano ninyong paniniwalaan kung sabihin ko sa inyo ang mga bagay na makalangit? Wala pang umakyat sa langit, maliban sa kanya na bumabang galing sa langit, ang Anak ng Tao. Kung paanong itinaas ni Moises sa ilang ang ahas, kailangan din namang itaas ang Anak ng Tao; upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya'y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat hindi sinugo ng Diyos ang Anak sa sanlibutan upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang ang sanlibutan ay maligtas sa pamamagitan niya. Ang sumasampalataya sa kanya ay hindi hinahatulan; ngunit ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na, sapagkat hindi siya sumampalataya sa pangalan ng tanging Anak ng Diyos. At ito ang kahatulan, na naparito ang ilaw sa sanlibutan, at inibig pa ng mga tao ang kadiliman kaysa ilaw sapagkat ang kanilang mga gawa ay masasama. Sapagkat ang bawat isa na gumagawa ng masama ay napopoot sa ilaw, at hindi lumalapit sa ilaw, upang ang kanyang mga gawa ay huwag malantad. Subalit ang gumagawa ng katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang malinaw na mahayag na ang kanyang mga gawa ay naaayon sa Diyos." Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay pumunta sa lupain ng Judea. Doon ay nanatili siyang kasama nila at nagbabautismo. Nagbabautismo rin si Juan sa Enon na malapit sa Salim, sapagkat doo'y maraming tubig. Ang mga tao'y pumunta roon at nabautismuhan. Sapagkat si Juan ay hindi pa ipinapasok sa bilangguan. Noon ay nagkaroon ng isang pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio tungkol sa paglilinis. Sila'y lumapit kay Juan, at sa kanya'y sinabi, "Rabi, iyong kasama mo sa kabila ng Jordan na iyong pinatotohanan ay nagbabautismo at ang lahat ay lumalapit sa kanya. Sumagot si Juan, "Hindi makakatanggap ng anuman ang isang tao, malibang ito'y ipinagkaloob sa kanya mula sa langit. Kayo mismo ay aking mga saksi na sinabi kong, 'Hindi ako ang Cristo, kundi ako'y sinugong una sa kanya.' Ang babaing ikakasal ay para sa lalaking ikakasal. Ngunit ang kaibigan ng lalaking ikakasal na nakatayo at nakikinig sa kanya ay lubos na nagagalak dahil sa tinig ng lalaking ikakasal. Kaya't ang kaligayahan kong ito ay ganap na. Siya'y kailangang tumaas, ngunit ako'y kailangang bumaba." Ang nanggagaling sa itaas ay mataas sa lahat, ang galing sa lupa ay taga-lupa nga, at nagsasalita tungkol sa mga bagay sa lupa; ang nanggagaling sa langit ay mataas sa lahat. Nagpapatotoo siya ng kanyang nakita at narinig, ngunit walang taong tumatanggap ng kanyang patotoo. Ang tumatanggap ng kanyang patotoo ay nagpapatunay dito na ang Diyos ay totoo. Sapagkat siya na sinugo ng Diyos ay nagsasalita ng mga salita ng Diyos, sapagkat hindi niya sinusukat ang pagbibigay niya ng Espiritu. Minamahal ng Ama ang Anak at inilagay sa kanyang kamay ang lahat ng mga bagay. Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan; ngunit ang hindi sumusunod sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Diyos ay nananatili sa kanya. Nang malaman ni Jesus na nabalitaan ng mga Fariseo na siya ay gumagawa at nagbabautismo ng mas maraming alagad kaysa kay Juan, (kahit hindi nagbabautismo si Jesus, kundi ang kanyang mga alagad) umalis siya sa Judea at muling bumalik sa Galilea. Subalit kailangang dumaan siya sa Samaria. Sumapit siya sa isang lunsod ng Samaria na tinatawag na Sicar, malapit sa bahagi ng lupang ibinigay ni Jacob kay Jose na kanyang anak. Naroon ang balon ni Jacob. Nang pagod na si Jesus sa kanyang paglalakbay, naupo siya sa tabi ng balon. Noon ay malapit nang magtanghaling-tapat. Dumating ang isang babaing Samaritana upang umigib ng tubig. Sinabi sa kanya ni Jesus, "Bigyan mo ako ng inumin." Sapagkat ang kanyang mga alagad ay pumunta sa lunsod upang bumili ng pagkain. Sinabi sa kanya ng babaing Samaritana, "Paanong nangyari na ikaw na isang Judio, ay humihingi ng maiinom sa akin na isang babaing Samaritana? (Sapagkat hindi nakikisama ang mga Judio sa mga Samaritano.) Sumagot si Jesus, "Kung nalalaman mo ang kaloob ng Diyos, at kung sino ang sa iyo'y nagsasabi, 'Bigyan mo ako ng inumin;' ikaw ay hihingi sa kanya, at ikaw ay bibigyan niya ng tubig na buhay." Sinabi sa kanya ng babae, 'Ginoo, wala kang pansalok ng tubig, at malalim ang balon. Saan ka ngayon kukuha ng tubig na buhay? Higit ka bang dakila kaysa sa aming amang si Jacob na sa ami'y nagbigay ng balon, at dito'y uminom siya, pati ang kanyang mga anak, at ang kanyang mga hayop?" Sumagot si Jesus sa kanya, "Ang bawat uminom ng tubig na ito ay muling mauuhaw, subalit ang sinumang umiinom ng tubig na aking ibibigay ay hindi na mauuhaw magpakailanman. Ang tubig na aking ibibigay sa kanya ay magiging isang bukal ng tubig tungo sa buhay na walang hanggan. Sinabi sa kanya ng babae, "Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito upang ako'y hindi na mauhaw o pumarito pa upang umigib." Sinabi sa kanya ni Jesus, "Umalis ka na! Tawagin mo ang iyong asawa at bumalik ka rito." Ang babae ay sumagot sa kanya, "Wala akong asawa." Sinabi sa kanya ni Jesus, "Tama ang sabi mo, 'Wala akong asawa;' sapagkat nagkaroon ka na ng limang asawa, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo ang sinabi mong ito." Sinabi sa kanya ng babae, "Ginoo, nakikita kong ikaw ay isang propeta. Sumamba ang aming mga ninuno sa bundok na ito; ngunit sinasabi ninyo na ang lugar na dapat pagsambahan ng mga tao ay sa Jerusalem." Sinabi sa kanya ni Jesus, "Babae, maniwala ka sa akin na darating ang oras na inyong sasambahin ang Ama, hindi sa bundok na ito o sa Jerusalem. Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nakikilala. Sinasamba namin ang nakikilala namin sapagkat ang kaligtasan ay mula sa mga Judio. Subalit dumarating ang oras at ngayon na nga, na sasambahin ng mga tunay na sumasamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat hinahanap ng Ama ang gayong mga sumasamba sa kanya. Ang Diyos ay espiritu, at ang mga sumasamba sa kanya ay kailangang sumamba sa espiritu at katotohanan." Sinabi ng babae sa kanya, "Nalalaman ko na darating ang Mesiyas (ang tinatawag na Cristo). Pagdating niya, ay ipahahayag niya sa amin ang lahat ng mga bagay." Sinabi sa kanya ni Jesus, "Ako nga iyon na kumakausap sa iyo!" Nang oras na iyon ay dumating ang kanyang mga alagad. Sila'y nagtaka na siya'y nakikipag-usap sa isang babae, subalit walang nagsabi, "Ano ang gusto mo?" o, "Bakit ka nakikipag-usap sa kanya?" Kaya't iniwan ng babae ang kanyang banga ng tubig at pumunta sa lunsod, at sinabi sa mga tao, "Halikayo, tingnan ninyo ang isang tao na nagsabi sa akin ng lahat ng mga bagay na aking ginawa. Ito na nga kaya ang Cristo?" Lumabas sila sa lunsod, at pumunta sa kanya. Samantala, hinimok siya ng kanyang mga alagad, "Rabi, kumain ka." Subalit sinabi niya sa kanila, "Ako'y may pagkain na hindi ninyo nalalaman." Kaya't sinabi ng mga alagad sa isa't isa, "May nagdala kaya sa kanya ng pagkain?" Sinabi sa kanila ni Jesus, "Ang pagkain ko ay ang gawin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang kanyang gawain. Hindi ba sinasabi ninyo, 'May apat na buwan pa at darating na ang pag-aani?' Ngunit sinasabi ko sa inyo, masdan ninyo ang inyong paligid at inyong tingnan ang mga bukid na mapuputi na upang anihin. Ang umaani ay tumatanggap ng upa, at nagtitipon ng bunga para sa buhay na walang hanggan, upang ang naghahasik at ang umaani ay magkasamang magalak. Sapagkat dito'y totoo ang kasabihan, 'Isa ang naghahasik, at iba ang umaani.' Kayo'y sinugo ko upang anihin ang hindi ninyo pinagpaguran; iba ang nagpagod at kayo'y pumasok sa kanilang pinagpaguran." At marami sa mga Samaritano sa lunsod na iyon ang sumampalataya sa kanya dahil sa sinabi ng babae, na nagpatotoo, "Sinabi niya sa akin ang lahat ng mga bagay na aking ginawa." Kaya nang dumating sa kanya ang mga Samaritano, nakiusap sila sa kanya na manatili sa kanila; at siya'y nanatili roon ng dalawang araw. At marami pang sumampalataya sa kanya dahil sa kanyang salita. Sinabi nila sa babae, "Ngayo'y sumampalataya kami, hindi dahil sa iyong sinabi, sapagkat kami mismo ay nakarinig at nalalaman naming ito nga ang Tagapagligtas ng sanlibutan." Pagkaraan ng dalawang araw ay umalis siya roon at nagtungo sa Galilea, sapagkat si Jesus din ang nagpatotoo na ang isang propeta ay walang karangalan sa kanyang sariling lupain. Kaya't nang siya'y dumating sa Galilea ay tinanggap siya ng mga taga-Galilea, nang kanilang makita ang lahat ng mga bagay na kanyang ginawa sa Jerusalem sa kapistahan, sapagkat sila ay pumunta rin sa kapistahan. Pagkatapos ay pumunta siyang muli sa Cana ng Galilea na doo'y kanyang ginawang alak ang tubig. At sa Capernaum ay naroroon ang isang pinuno ng pamahalaan na ang anak na lalaki ay maysakit. Nang mabalitaan niya na si Jesus ay dumating sa Galilea mula sa Judea, pumunta siya roon at nakiusap sa kanya na siya'y pumunta at pagalingin ang kanyang anak na lalaki sapagkat siya'y malapit nang mamatay. Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, "Malibang makakita kayo ng mga tanda at mga kababalaghan ay hindi kayo mananampalataya." Sinabi ng pinuno sa kanya, "Ginoo, pumunta ka na bago mamatay ang aking anak." Sinabi sa kanya ni Jesus, "Humayo ka na, ang anak mo ay mabubuhay." Pinaniwalaan ng lalaki ang salitang sinabi sa kanya ni Jesus, at siya'y humayo sa kanyang lakad. Habang siya'y papunta, sinalubong siya ng kanyang mga alipin na nagsasabing ang kanyang anak ay ligtas na. Kaya't itinanong niya sa kanila ang oras nang siya'y nagsimulang gumaling. At sinabi nila sa kanya, "Kahapon, nang ika-isa ng hapon, nawalan siya ng lagnat." Kaya't nalaman ng ama na sa oras na iyon ay sinabi sa kanya ni Jesus, "Ang anak mo ay mabubuhay." Kaya't siya'y sumampalataya, at ang kanyang buong sambahayan. Ito ang ikalawang tanda na ginawa ni Jesus pagkatapos na siya'y pumunta sa Galilea mula sa Judea. Pagkaraan nito ay nagkaroon ng pista ang mga Judio, at umahon si Jesus patungo sa Jerusalem. Sa Jerusalem nga'y may isang tipunan ng tubig sa tabi ng Pintuan ng mga Tupa, na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Betzatha na may limang portiko. Sa mga ito ay nakahiga ang maraming maysakit, mga bulag, mga pilay, at mga lumpo. [Sapagkat lumulusong ang isang anghel ng Panginoon sa mga tanging panahon sa tipunan ng tubig at kinakalawkaw ang tubig; at ang unang manaog sa tipunan ng tubig, pagkatapos na makalawkaw ang tubig ay gumagaling sa anumang sakit na di-naramdam.] Naroon ang isang lalaki na may tatlumpu't walong taon nang maysakit. Nang makita ni Jesus na siya'y nakahiga at nalamang siya'y matagal nang may sakit, ay sinabi niya sa kanya, "Ibig mo bang gumaling?" Sumagot sa kanya ang lalaking may sakit, "Ginoo, walang taong maglusong sa akin sa tipunan ng tubig kapag kinakalawkaw ang tubig; at samantalang ako'y lumalapit ay nakalusong na muna ang iba bago ako. Sinabi sa kanya ni Jesus, "Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka." At kaagad gumaling ang lalaki, binuhat ang kanyang higaan at lumakad. Noon nga'y araw ng Sabbath. Kaya't sinabi ng mga Judio sa taong pinagaling, "Ngayo'y araw ng Sabbath, at hindi ipinahihintulot na buhatin mo ang iyong higaan." Ngunit sila'y sinagot niya, "Ang nagpagaling sa akin ang siyang nagsabi sa akin, 'Buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka.'" Siya'y kanilang tinanong, "Sino ang taong nagsabi sa iyo, 'Buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka?'" Ngunit hindi nakilala ng taong pinagaling kung sino iyon, sapagkat si Jesus ay umalis na sa maraming tao na naroroon. Pagkatapos ay natagpuan siya ni Jesus sa templo, at sinabi sa kanya, "Tingnan mo, ikaw ay gumaling na; huwag ka nang magkasala, baka may mangyari pa sa iyo na lalong masama." Umalis ang lalaki at ibinalita sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kanya. Dahil dito'y inusig ng mga Judio si Jesus sapagkat ginagawa niya ang mga bagay na ito sa araw ng Sabbath. Subalit sinagot sila ni Jesus, "Hanggang ngayo'y patuloy sa paggawa ang aking Ama, at ako'y patuloy rin sa paggawa." Dahil dito ay lalong pinagsikapan ng mga Judio na siya'y patayin sapagkat hindi lamang nilabag niya ang araw ng Sabbath, kundi tinatawag din na kanyang sariling Ama ang Diyos, at ginagawa ang sarili niya na kapantay ng Diyos. Kaya't sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, "Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi makakagawa ng anuman ang Anak sa kanyang sarili kundi ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Sapagkat ang lahat ng mga bagay na kanyang ginagawa ay siya ring ginagawa ng Anak. Sapagkat minamahal ng Ama ang Anak, at sa kanya'y ipinapakita ang lahat ng mga bagay na kanyang ginagawa, at lalong dakilang mga gawa kaysa mga ito ang ipapakita niya sa kanya upang kayo'y mamangha. Sapagkat kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at sila'y binubuhay, gayundin naman binubuhay ng Anak ang sinumang nais niya. Ang Ama'y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob niya sa Anak ang buong paghatol; upang parangalan ng lahat ang Anak, na gaya rin ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na sa kanya'y nagsugo. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang nakikinig ng aking salita at sumasampalataya sa kanya na nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan, at hindi darating sa kahatulan kundi lumipat na sa buhay mula sa kamatayan. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, dumarating ang oras at ngayon na nga, na maririnig ng patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang makarinig ay mabubuhay. Sapagkat kung paanong ang Ama ay may buhay sa kanyang sarili, ay pinagkalooban din niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili. At siya'y binigyan niya ng kapangyarihang humatol sapagkat siya'y Anak ng Tao. Huwag ninyong ipagtaka ito, sapagkat dumarating ang oras na ang lahat ng nasa libingan ay makakarinig ng kanyang tinig, at magsisilabas, ang mga gumawa ng mabuti ay tungo sa pagkabuhay na muli sa buhay, at ang mga gumawa ng masama ay tungo sa pagkabuhay na muli sa kahatulan. "Hindi ako makakagawa ng anuman mula sa aking sarili. Humahatol ako ayon sa aking naririnig, at ang paghatol ko'y matuwid, sapagkat hindi ko hinahanap ang aking sariling kalooban kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. Kung ako'y nagpapatotoo para sa aking sarili, ang patotoo ko ay hindi totoo. Iba ang nagpapatotoo para sa akin at alam ko na ang patotoo niya para sa akin ay totoo. Kayo'y nagpadala ng sugo kay Juan, at siya'y nagpatotoo sa katotohanan. Hindi sa tinatanggap ko ang patotoong mula sa tao, subalit sinasabi ko ang mga bagay na ito upang kayo'y maligtas. Siya ang ilawang nagniningas at lumiliwanag, at ninais ninyong kayo'y magalak sumandali sa kanyang liwanag. Subalit mayroon akong patotoo na lalong dakila kaysa kay Juan. Ang mga gawaing ibinigay sa akin ng aking Ama upang ganapin, ang mga gawaing ito na aking ginagawa ay nagpapatotoo tungkol sa akin na ako'y sinugo ng Ama. Ang Ama na nagsugo sa akin ay siyang nagpatotoo tungkol sa akin. Kailanma'y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig, o hindi ninyo nakita ang kanyang anyo. At walang salita niya na nananatili sa inyo sapagkat hindi kayo sumasampalataya sa kanyang sinugo. Sinasaliksik ninyo ang mga kasulatan sapagkat iniisip ninyo na sa mga iyon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at iyon ang nagpapatotoo tungkol sa akin. Subalit ayaw ninyong lumapit sa akin upang kayo'y magkaroon ng buhay. Hindi ako tumatanggap ng kaluwalhatiang mula sa mga tao. Subalit nalalaman ko na ang pag-ibig ng Diyos ay wala sa inyo. Naparito ako sa pangalan ng aking Ama at hindi ninyo ako ti nanggap. Kung iba ang pumarito sa kanyang sariling pangalan, iyon ang inyong tatanggapin. Paano kayo mananampalataya gayong tumatanggap kayo ng kaluwalhatian mula sa isa't isa at hindi ninyo hinahanap ang kaluwalhatiang mula sa tanging Diyos? Huwag ninyong isiping paparatangan ko kayo sa Ama. May isang nagpaparatang sa inyo, si Moises, siya na inyong inaasahan. Sapagkat kung kayo'y sumasampalataya kay Moises ay sasampalataya kayo sa akin, sapagkat siya'y sumulat tungkol sa akin. Ngunit kung hindi kayo naniniwala sa kanyang mga sinulat ay paano kayong maniniwala sa aking mga salita?" Pagkatapos ng mga bagay na ito, pumunta si Jesus sa kabilang pampang ng dagat ng Galilea, na siya ring Dagat ng Tiberias. Sumusunod sa kanya ang napakaraming tao sapagkat nakita nila ang mga tanda na ginagawa niya sa mga maysakit. Umakyat si Jesus sa bundok at doo'y naupo siya na kasama ng kanyang mga alagad. Malapit na noon ang Paskuwa na pista ng mga Judio. Itinanaw ni Jesus ang kanyang mga mata, at nang makita niya ang napakaraming tao'y lumalapit sa kanya ay sinabi niya kay Felipe, "Saan tayo makakabili ng tinapay, upang makakain ang mga taong ito?" Ito'y sinabi niya upang siya'y subukin sapagkat nalalaman niya sa kanyang sarili kung ano ang gagawin niya. Sumagot sa kanya si Felipe, "Hindi magkakasiya sa kanila ang dalawang daang denariong tinapay, upang makakain ng kaunti ang bawat isa." Si Andres, na kapatid ni Simon Pedro, isa sa kanyang mga alagad ay nagsabi sa kanya, "May isang batang lalaki rito na mayroong limang tinapay na sebada at dalawang isda, subalit gaano na ang mga ito sa ganito karaming mga tao?" Sinabi ni Jesus, "Paupuin ninyo ang mga tao." Madamo sa dakong iyon, kaya't umupo ang mga lalaki na may limang libo ang bilang. Kinuha ni Jesus ang mga tinapay at nang makapagpasalamat ay ipinamahagi niya sa mga nakaupo. Binigyan din sila ng mga isda hanggang gusto nila. Nang sila'y mabusog ay sinabi niya sa kanyang mga alagad, "Tipunin ninyo ang mga pinagputul-putol na lumabis upang walang anumang masayang." Kaya't kanilang tinipon ang mga ito at nakapuno ng labindalawang kaing ng mga pinagputul-putol na limang tinapay na sebada na lumabis sa mga kumain. Nang makita ng mga tao ang tandang ginawa niya ay kanilang sinabi, "Totoong ito nga ang propeta na darating sa sanlibutan." Nang mahalata ni Jesus na sila'y lalapit at pipilitin siyang gawing hari, siya'y muling umalis na nag-iisa patungo sa bundok. Pagsapit ng gabi, lumusong ang kanyang mga alagad sa dagat. Sumakay sila sa isang bangka at pinasimulan nilang tawirin ang dagat hanggang sa Capernaum. Madilim na noon at hindi pa dumarating sa kanila si Jesus. Lumalaki ang mga alon sa dagat dahil sa malakas na hanging humihihip. Nang sila'y makasagwan na ng may lima hanggang anim na kilometro ay kanilang nakita si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng dagat at papalapit sa bangka. Sila'y natakot, subalit sinabi niya sa kanila, "Ako ito; huwag kayong matakot." Kaya't malugod siyang tinanggap nila sa bangka at kaagad na dumating ang bangka sa lupang kanilang patutunguhan. Kinabukasan ay nakita ng mga taong nakatayo sa kabilang pampang ng dagat na doo'y walang ibang bangka maliban sa isa. Nakita rin nila na hindi sumakay sa bangka si Jesus na kasama ng kanyang mga alagad, kundi ang kanyang mga alagad lamang ang umalis. Gayunman, may mga bangkang dumating mula sa Tiberias malapit sa pook na kanilang kinainan ng tinapay, pagkatapos na makapagpasalamat ang Panginoon. Nang makita ng mga tao na wala roon si Jesus, o ang kanyang mga alagad man, sumakay sila sa mga bangka at dumating sa Capernaum na hinahanap si Jesus. Nang siya'y kanilang makita sa kabilang pampang ng dagat, kanilang sinabi sa kanya, "Rabi, kailan ka dumating dito?" Sinagot sila ni Jesus, "Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ako'y inyong hinahanap hindi dahil sa nakakita kayo ng mga tanda, kundi dahil sa kayo'y kumain ng tinapay, at kayo'y nabusog. Huwag kayong magsumikap nang dahil sa pagkaing nasisira, kundi dahil sa pagkaing tumatagal para sa buhay na walang hanggan na ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat sa kanya inilagay ng Diyos Ama ang kanyang tatak." Sinabi nila sa kanya, "Ano ang kailangan naming gawin upang aming magawa ang mga gawa ng Diyos?" Sumagot si Jesus sa kanila, "Ito ang gawa ng Diyos na inyong sampalatayanan ang kanyang sinugo." Sinabi naman nila sa kanya, "Ano ngayon ang tanda na iyong ginagawa na aming makikita upang sumampalataya kami sa iyo? Ano ang iyong ginagawa? Ang aming mga ninuno ay kumain ng manna sa ilang, gaya ng nasusulat, 'Kanyang binigyan sila ng tinapay na galing sa langit upang kanilang makain.'" Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, "Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit kundi ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na galing sa langit. Sapagkat ang tinapay ng Diyos ay ang bumababang mula sa langit at nagbibigay ng buhay sa sanlibutan. Sinabi nila sa kanila, "Panginoon, lagi mo kaming bigyan ng tinapay na ito." Sinabi ni Jesus sa kanila, "Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi kailanman mauuhaw. Subalit sinabi ko sa inyo na nakita ninyo ako subalit hindi kayo sumasampalataya. Ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama ay lalapit sa akin; at ang lumalapit sa akin kailanman ay hindi ko itataboy. Sapagkat ako'y bumaba mula sa langit hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. At ito ang kalooban ng nagsugo sa akin na sa lahat ng ibinigay niya sa akin ay huwag kong iwala ang anuman, kundi muli kong bubuhayin sa huling araw. Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawat nakakakita sa Anak at sa kanya'y sumampalataya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw." Kaya't ang mga Judio ay nagbulung-bulungan tungkol sa kanya sapagkat kanyang sinabi, "Ako ang tinapay na bumabang galing sa langit." Kanilang sinabi, "Hindi ba ito'y si Jesus, ang anak ni Jose, na kilala natin ang kanyang ama at ina? Paano niya nasasabi, 'Ako'y bumabang galing sa langit?'" Sumagot si Jesus sa kanila, "Huwag kayong magbulung-bulungan. Walang taong makakalapit sa akin malibang ilapit siya ng Ama na nagsugo sa akin; at siya'y muli kong bubuhayin sa huling araw. Nasusulat sa mga propeta, 'At tuturuan silang lahat ng Diyos.' Ang bawat nakarinig at natuto sa Ama ay lumalapit sa akin. Hindi dahil sa mayroong nakakita sa Ama maliban sa kanya na mula sa Diyos. Siya ang nakakita sa Ama. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sinumang sumasampalataya ay may buhay na walang hanggan. Ako ang tinapay ng buhay. Kumain ng manna sa ilang ang inyong mga ninuno, at sila'y namatay. Ito ang tinapay na bumababang galing sa langit, upang ang sinumang makakain nito ay hindi mamatay. Ako ang tinapay na buhay na bumabang galing sa langit. Kung ang sinuman ay kumain ng tinapay na ito, siya'y mabubuhay magpakailanman, at ang tinapay na aking ibibigay sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman." Kaya't ang mga Judio'y nagtalu-talo, na sinasabi, "Paanong maipakakain sa atin ng taong ito ang kanyang laman?" Sinabi nga sa kanila ni Jesus, "Katotohanang sinasabi ko sa inyo, malibang inyong kainin ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at siya'y muli kong bubuhayin sa huling araw. Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako'y sa kanya. Kung paanong ang buhay na Ama ay nagsugo sa akin at ako'y nabubuhay dahil sa Ama, gayundin ang kumakain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. Ito ang tinapay na bumabang galing sa langit, hindi gaya ng tinapay na kinain ng inyong mga ninuno at sila'y namatay. Ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman." Sinabi niya ang mga bagay na ito sa sinagoga, samantalang siya'y nagtuturo sa Capernaum. Nang ito ay marinig ng marami sa kanyang mga alagad, sila ay nagsabi, "Mahirap ang pananalitang ito. Sino ang may kayang makinig nito?" Subalit si Jesus, palibhasa'y nalalaman niya na ang kanyang mga alagad ay nagbubulungan tungkol dito, ay nagsalita sa kanila, "Ito ba ay nakakatisod sa inyo? Ano nga kung makita ninyong umaakyat ang Anak ng Tao sa kinaroroonan niya nang una? Ang Espiritu ang nagbibigay-buhay, ang laman ay walang anumang pakinabang. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay espiritu at buhay. Subalit may ilan sa inyo na hindi sumasampalataya." Sapagkat nalalaman na ni Jesus buhat pa nang una kung sinu-sino ang hindi sumasampalataya at kung sino ang magkakanulo sa kanya. Sinabi niya, "Dahil dito'y sinabi ko sa inyo, walang taong makakalapit sa akin, malibang ipagkaloob sa kanya ng Ama." Dahil dito, marami sa kanyang mga alagad ay tumalikod at hindi na sumama sa kanya. Kaya't sinabi ni Jesus sa labindalawa, "Ibig din ba ninyong umalis?" Sumagot sa kanya si Simon Pedro, "Panginoon, kanino kami pupunta? Ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan. Kami'y sumasampalataya at nalalaman namin na ikaw ang Banal ng Diyos." Sumagot sa kanila si Jesus, "Hindi ba pinili ko kayo, ang labindalawa, at ang isa sa inyo ay diyablo?" Siya nga ay nagsasalita tungkol kay Judas na anak ni Simon Iscariote, sapagkat siya na isa sa labindalawa ang magkakanulo sa kanya. Pagkatapos ng mga bagay na ito ay pumunta si Jesus sa Galilea. Ayaw niyang dumaan sa Judea, sapagkat pinagsisikapan ng mga Judio na siya'y patayin. Malapit na noon ang pista ng mga Judio, ang pista ng mga Tabernakulo. Sinabi sa kanya ng kanyang mga kapatid, "Umalis ka rito at pumunta ka sa Judea, upang makita ng iyong mga alagad ang iyong mga ginagawa. Sapagkat walang taong nagnanais makilala ang gumagawa ng anumang bagay sa lihim. Kung ginagawa mo ang mga bagay na ito ay ipakilala mo ang iyong sarili sa sanlibutan." Sapagkat maging ang kanyang mga kapatid man ay hindi sumampalataya sa kanya. Sinabi sa kanila ni Jesus, "Hindi pa dumating ang aking oras, subalit ang inyong oras ay laging naririyan. Hindi kayo maaaring kapootan ng sanlibutan, ngunit ako'y kinapopootan nito, sapagkat ako'y nagpapatotoo laban dito na masasama ang kanyang mga gawa. Kayo na ang pumunta sa pista. Ako'y hindi pupunta sa pistang ito, sapagkat hindi pa dumating ang aking oras. At nang masabi ang mga bagay na ito ay nanatili siya sa Galilea. Subalit nang makaahon na ang kanyang mga kapatid para sa pista, saka naman siya umahon, hindi hayagan kundi palihim. Hinahanap nga siya ng mga Judio sa pista, at kanilang sinasabi, "Saan siya naroroon?" Nagkaroon ng maraming bulung-bulungan tungkol sa kanya ang mga tao. Sinasabi ng ilan, "Siya'y mabuting tao." Sinasabi naman ng iba, "Hindi, inililigaw niya ang mga tao." Subalit walang taong nagsalita nang hayag tungkol sa kanya dahil sa takot sa mga Judio. Nang ang kapistahan ay nasa kalagitnaan na ay pumunta si Jesus sa templo at nagturo. Namangha ang mga Judio, na nagsasabi, "Paanong nagkaroon ang taong ito ng karunungan, gayong hindi naman nag-aral kailanman?" Sinagot sila ni Jesus, "Ang turo ko ay hindi akin, kundi sa kanya na nagsugo sa akin. Kung ang sinuman ay nagnanais gumawa ng kalooban ng Diyos ay makikilala niya kung ang turo ay mula sa Diyos, o kung ako'y nagsasalita mula sa aking sarili. Ang nagsasalita nang mula sa kanyang sarili ay humahanap ng kanyang sariling kaluwalhatian; subalit ang humahanap ng kaluwalhatian ng nagsugo sa kanya ay siyang totoo, at sa kanya'y walang kasinungalingan. Hindi ba ibinigay sa inyo ni Moises ang kautusan? Subalit wala sa inyong tumutupad ng kautusan? Bakit ninyo pinagsisikapang ako'y patayin?" Sumagot ang maraming tao, "Mayroon kang demonyo! Sino ang nagsisikap na ikaw ay patayin?" Sumagot si Jesus sa kanila, "Isang bagay ang aking ginawa at pinagtatakhan ninyong lahat ito. Ibinigay sa inyo ni Moises ang pagtutuli (hindi sa ito'y kay Moises, kundi mula sa mga patriyarka); at tinutuli ninyo sa Sabbath ang isang lalaki. Kung ang isang lalaki ay tumatanggap ng pagtutuli sa Sabbath, upang huwag malabag ang kautusan ni Moises, nagagalit ba kayo sa akin dahil sa pinagaling ko ang buong katawan ng isang tao sa Sabbath? Huwag kayong humatol batay sa anyo, kundi humatol kayo nang matuwid na paghatol." Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, "Hindi ba ito ang taong kanilang pinagsisikapang patayin? At narito, siya'y hayag na nagsasalita, at sila'y walang anumang sinasabi sa kanya. Tunay kayang nakikilala ng mga pinuno na ito ang Cristo? Subalit nalalaman natin kung saan nagmula ang taong ito, subalit ang Cristo, pagdating niya ay walang makakaalam kung saan siya magmumula." Sumigaw si Jesus habang nagtuturo sa templo, 'Ako'y inyong nakikilala at nalalaman din ninyo kung taga-saan ako. Hindi ako pumarito sa aking sariling awtoridad, subalit ang nagsugo sa akin ay siyang totoo, na hindi ninyo nakikilala. Nakikilala ko siya sapagkat ako'y mula sa kanya, at siya ang nagsugo sa akin." Kaya't sinikap nilang siya'y hulihin, subalit walang taong sumunggab sa kanya, sapagkat hindi pa dumating ang kanyang oras. Gayunma'y marami sa mga tao ang sumampalataya sa kanya at kanilang sinabi, "Pagdating ng Cristo, gagawa ba siya ng mas maraming tanda kaysa mga ginawa ng taong ito?" Narinig ng mga Fariseo ang bulung-bulungan ng mga tao tungkol kay Jesus Nagsugo ang mga punong pari at ang mga Fariseo ng mga kawal upang siya'y hulihin. Sinabi ni Jesus, "Makakasama pa ninyo ako ng kaunting panahon, at ako'y paroroon sa nagsugo sa akin. Hahanapin ninyo ako, ngunit hindi ninyo ako matatagpuan, at kung saan ako naroroon ay hindi kayo makakapunta roon." Kaya't sinabi ng mga Judio sa isa't isa, "Saan pupunta ang taong ito na hindi natin siya matatagpuan? Pupunta kaya siya sa mga lupain kung saan nagkalat ang ating mga kababayan sa lupain ng mga Griyego at magtuturo sa mga Griyego? Ano ang salitang ito na kanyang sinabi, Hahanapin ninyo ako, ngunit hindi ninyo ako matatagpuan, at kung saan ako naroroon, ay hindi kayo makakapunta roon! ' " Nang huling araw ng dakilang araw ng pista, si Jesus ay tumayo at sumigaw na nagsasabi, "Kung ang sinuman ay nauuhaw, lumapit siya sa akin at uminom. Ang sumasampalataya sa akin, gaya ng sinasabi ng kasulatan, 'Mula sa kanyang puso ay dadaloy ang mga ilog ng tubig na buhay.'" Ngunit ito'y sinabi niya tungkol sa Espiritu, na tatanggapin ng mga sumasampalataya sa kanya, sapagkat hindi pa ipinagkakaloob ang Espiritu, sapagkat si Jesus ay hindi pa niluluwalhati. Nang marinig ng ilan mula sa maraming tao ang mga salitang ito, sila ay nagsabi, "Tunay na ito nga ang propeta." Sinasabi ng iba, "Ito ang Cristo." Subalit sinasabi ng ilan, "Sa Galilea ba manggagaling ang Cristo? Hindi ba sinabi ng kasulatan na ang Cristo ay manggagaling sa binhi ni David, at mula sa Bethlehem, ang bayan ni David?" Kaya't nagkaroon ng pagkakahati-hati sa maraming tao dahil sa kanya. Nais ng ilan sa kanila na siya'y hulihin, subalit walang taong sumunggab sa kanya. Bumalik ang mga kawal sa mga punong pari at sa mga Fariseo, at sinabi ng mga ito sa kanila, "Bakit hindi ninyo siya dinakip?" Sumagot ang mga kawal, "Kailanma'y walang taong nagsalita nang gayon." Sinagot sila ng mga Fariseo, "Kayo ba naman ay nailigaw na rin? Mayroon ba sa mga pinuno, o sa mga Fariseo na sumasampalataya sa kanya? Subalit ang mga taong ito na hindi nakakaalam ng kautusan ay mga sinumpa." Sinabi sa kanila ni Nicodemo (iyong pumunta kay Jesus noon at isa sa kanila), "Hinahatulan ba ng ating kautusan ang isang tao, malibang siya'y atin munang dinggin at alamin kung ano ang kanyang ginagawa?" Sila'y sumagot sa kanya, "Ikaw ba'y taga-Galilea rin? Siyasatin mo at iyong makikita na sa Galilea ay walang lumitaw na propeta." [At ang bawat isa sa kanila ay umuwi sa kanya-kanyang sariling bahay. Samantala, si Jesus ay pumunta sa bundok ng mga Olibo. Kinaumagahan, siya ay bumalik sa templo, at ang buong bayan ay lumapit sa kanya. Siya'y naupo at sila'y tinuruan. Dinala sa kanya ng mga eskriba at ng mga Fariseo ang isang babaing nahuli sa pangangalunya. Nang kanilang patayuin siya sa gitna, ay sinabi nila sa kanya, "Guro, nahuli ang babaing ito sa akto ng pangangalunya. Sa kautusan ay ipinag-utos sa amin ni Moises na batuhin ang mga ganyan. Ano ngayon ang iyong masasabi tungkol sa kanya?" Ngunit ito'y kanilang sinabi upang siya'y subukin, upang sa kanya'y may maiparatang sila. Subalit yumuko si Jesus, at isinulat ang kanyang daliri sa lupa. Habang sila'y nagpapatuloy ng pagtatanong sa kanya, tumayo siya at sinabi sa kanila, "Ang walang kasalanan sa inyo ang siyang unang bumato sa kanya." At muli siyang yumuko, at isinulat ang kanyang daliri sa lupa. Nang ito'y kanilang marinig ay isa-isa silang umalis, Simula sa mga matatanda. At si Jesus ay naiwang nag-iisa at ang babaing nakatayo sa gitna. Tumayo si Jesus at sinabi sa kanya, "Babae, nasaan sila? Wala na bang ni isang humatol sa iyo?" At sinabi niya, "Walang sinuman, Panginoon." Sinabi ni Jesus, "Hindi rin kita hinahatulan. Humayo ka na at mula ngayo'y huwag ka nang magkasala.'] Muling nagsalita sa kanila si Jesus, "Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay hindi kailanman lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay." Sinabi sa kanya ng mga Fariseo, "Nagpapatotoo ka tungkol sa iyong sarili; ang patotoo mo ay hindi totoo." Sumagot si Jesus, "Kung ako ma'y nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, ang aking patotoo ay totoo; sapagkat nalalaman ko kung saan ako nanggaling, at kung saan ako pupunta. Subalit hindi ninyo nalalaman kung saan ako nanggaling, o kung saan ako pupunta. Humahatol kayo ayon sa laman; ako'y hindi humahatol sa kaninuman. At kung ako'y humatol man ang hatol ko'y totoo, sapagkat hindi ako nag-iisa, kundi ako at ang Ama na nagsugo sa akin. Maging sa inyong kautusan ay nasusulat na ang patotoo ng dalawang tao ay totoo. Ako ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, at ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo tungkol sa akin. Kaya't sinabi nila sa kanya, "Nasaan ang iyong Ama?" Sumagot si Jesus, "Hindi nga ninyo ako kilala o ang aking Ama. Kung ako'y inyong kilala ay kilala rin sana ninyo ang aking Ama." Sinabi niya ang mga salitang ito sa kabang-yaman habang nagtuturo siya sa templo. Subalit walang taong humuli sa kanya, sapagkat hindi pa dumating ang kanyang oras. Muli niyang sinabi sa kanila, "Aalis ako, at ako'y inyong hahanapin, at mamamatay kayo sa inyong kasalanan. Sa aking pupuntahan ay hindi kayo makakapunta." Sinabi ng mga Judio, "Magpapakamatay kaya siya sapagkat kanyang sinabi, "Sa aking pupuntahan ay hindi kayo makakapunta." Sinabi niya sa kanila, "Kayo'y mga taga-ibaba, ako'y taga-itaas. Kayo'y mga taga-sanlibutang ito; ako'y hindi taga-sanlibutang ito. Kaya't sinabi ko sa inyo na kayo'y mamamatay sa inyong mga kasalanan, sapagkat malibang kayo'y sumampalataya na Ako Nga, ay mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan." Sinabi nila sa kanya, "Sino ka ba?" Sinabi sa kanila ni Jesus, "Bakit kailangan pang makipag-usap ako sa inyo?" Mayroon akong maraming bagay na sasabihin at hahatulan tungkol sa inyo. Subalit ang nagsugo sa akin ay totoo, at sinasabi ko sa sanlibutan ang mga bagay na narinig ko sa kanya." Hindi nila naunawaan na siya ay nagsasalita sa kanila tungkol sa Ama. Sinabi ni Jesus, "Kapag naitaas na ninyo ang Anak ng Tao, saka ninyo makikilala na ako nga siya, at wala akong ginagawa mula sa aking sarili kundi sinasabi ko ang mga bagay ayon sa itinuro sa akin ng Ama. At siya na nagsugo sa akin ay kasama ko, hindi niya ako pinabayaang nag-iisa; sapagkat lagi kong ginagawa ang mga bagay na nakakalugod sa kanya." Samantalang sinasabi niya ang mga bagay na ito ay marami ang sumasampalataya sa kanya. Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa mga Judiong sumasampalataya sa kanya, "Kung kayo'y mananatili sa aking salita, tunay ngang kayo'y mga alagad ko. At inyong malalaman ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo." Sumagot sila sa kanya, "Kami'y mula sa binhi ni Abraham, at kailanma'y hindi pa naging alipin ng sinuman. Bakit mo sinasabing, 'Kayo'y magiging malaya?'" Sinagot sila ni Jesus, "Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang bawat nagkakasala ay alipin ng kasalanan. Ang alipin ay walang palagiang lugar sa sambahayan. Ang anak ay may lugar doon magpakailanman. Kaya't kung kayo'y palayain ng Anak, kayo'y magiging tunay na malaya. Nalalaman ko na kayo'y binhi ni Abraham; subalit pinagsisikapan ninyong ako'y patayin, sapagkat ang salita ko'y walang paglagyan sa inyo. Sinasabi ko ang mga bagay na aking nakita sa aking Ama, at kayo, ginagawa naman ninyo ang mga bagay na narinig ninyo mula sa inyong ama." Sila'y sumagot sa kanya, "Si Abraham ang aming ama." Sa kanila'y sinabi ni Jesus, "Kung kayo'y mga anak ni Abraham ay gagawin ninyo ang mga gawa ni Abraham. Subalit ngayo'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, isang taong nagsasabi sa inyo ng katotohanan na aking narinig sa Diyos. Ito'y hindi ginawa ni Abraham. Ginagawa ninyo ang mga gawa ng inyong ama." Sinabi nila sa kanya, "Hindi kami ipinanganak sa pakikiapid. Mayroon kaming isang Ama, ang Diyos." Sinabi sa kanila ni Jesus, "Kung ang Diyos ang inyong ama, ay inibig ninyo sana ako, sapagkat ako'y nagmula sa Diyos at ngayon ay naririto ako. Hindi ako naparito mula sa aking sarili kundi sinugo niya ako. Bakit hindi ninyo nauunawaan ang aking sinasabi? Sapagkat hindi ninyo matanggap ang aking salita. Kayo'y mula sa inyong amang diyablo, at ang nais ninyong gawin ay ang kagustuhan ng inyong ama. Siya'y isang mamamatay-tao buhat pa sa Simula, at hindi naninindigan sa katotohanan, sapagkat walang katotohanan sa kanya. Kapag siya ay nagsasalita ng kasinungalingan, siya ay nagsasalita ayon sa kanyang sariling likas, sapagkat siya'y isang sinungaling, at ama ng kasinungalingan. Ngunit dahil sa sinasabi ko ang katotohanan ay hindi kayo nananampalataya sa akin. Sino sa inyo ang makakasumbat sa akin tungkol sa kasalanan? Kung sinasabi ko ang katotohanan, bakit hindi kayo sumasampalataya sa akin? Ang mula sa Diyos ay nakikinig ng mga salita ng Diyos. Ang dahilan kung bakit hindi ninyo pinakikinggan ang mga ito ay sapagkat kayo'y hindi mula sa Diyos. Sumagot ang mga Judio sa kanya, "Hindi ba tama ang aming sinabi na ikaw ay isang Samaritano at mayroon kang demonyo?" Sumagot si Jesus, 'Ako'y walang demonyo, kundi pinararangalan ko ang aking Ama, at inyong sinisira ang aking karangalan. Ngunit hindi ko hinahanap ang aking sariling kaluwalhatian. Mayroong isa na humahanap nito at siya ang hukom. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung ang sinuman ay tutupad ng aking salita, hindi siya makakakita ng kamatayan kailanman." Sinabi ng mga Judio sa kanya, "Ngayo'y nalalaman naming mayroon kang demonyo. Namatay si Abraham at ang mga propeta, at sinasabi mo, 'Kung ang sinuman ay tutupad ng aking salita, ay hindi niya matitikman magpakailanman ang kamatayan.' Mas dakila ka pa ba kaysa sa aming amang si Abraham, na namatay? At namatay ang mga propeta? Ano ang palagay mo sa iyong sarili?" Sumagot si Jesus, "Kung niluluwalhati ko ang aking sarili, ang kaluwalhatian ko ay walang kabuluhan. Ang aking Ama ang siyang lumuluwalhati sa akin, na sinasabi ninyong siya'y inyong Diyos. Subalit hindi ninyo siya kilala, ngunit kilala ko siya. Kung aking sasabihing hindi ko siya kilala ay magiging katulad ninyo ako na sinungaling. Subalit kilala ko siya, at tinutupad ko ang kanyang salita. Nagalak ang inyong amang si Abraham na makita niya ang aking araw. Nakita niya ito at siya'y nagalak." Sinabi sa kanya ng mga Judio, "Wala ka pang limampung taon, at nakita mo na si Abraham?" Sinabi sa kanila ni Jesus, "Katotohanang sinasabi ko sa inyo, bago pa man si Abraham ay Ako Nga." Kaya't sila'y dumampot ng mga bato upang ibato sa kanya, subalit nagtago si Jesus at lumabas sa templo. Sa kanyang paglalakad, nakita niya ang isang lalaking bulag mula pa sa kanyang pagkapanganak. Tinanong siya ng kanyang mga alagad, "Rabi, sino ang nagkasala, ang taong ito, o ang kanyang mga magulang, kaya siya'y ipanganak na bulag?" Sumagot si Jesus, "Hindi dahil sa ang taong ito'y nagkasala, o ang kanyang mga magulang man, kundi upang mahayag sa kanya ang mga gawa ng Diyos." Kailangan nating gawin ang mga gawa niyong nagsugo sa akin, samantalang araw pa. Dumarating ang gabi, na walang taong makakagawa. Habang ako'y nasa sanlibutan, ako ang ilaw ng sanlibutan." Nang masabi niya ang mga bagay na ito, siya'y dumura sa lupa, at gumawa ng putik mula sa dura, at pinahiran ng putik ang mga mata ng lalaki. At sinabi sa kanya, "Humayo ka, maghugas ka sa imbakan ng tubig ng Siloam" (na ang kahulugan ay Sinugo). Humayo nga siya at naghugas at bumalik na nakakakita. Kaya't ang mga kapitbahay at ang mga nakakita sa kanya nang una, na siya'y pulubi, ay nagsabi, "Hindi ba ito ang nakaupo noon at nagpapalimos?" Sinabi ng iba, "Siya nga." Ang sabi ng iba, "Hindi, subalit kamukha niya." Sinabi niya, "Ako nga iyon." Kaya't sinabi nila sa kanya, "Paanong nabuksan ang iyong mga mata?" Sumagot siya, "Ang taong tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik, at pinahiran ang aking mga mata, at sinabi sa akin, 'Pumunta ka sa Siloam, at maghugas ka.' Kaya't ako'y umalis at naghugas, at nagkaroon ako ng paningin." Sinabi nila sa kanya, "Saan siya naroon?" Sinabi niya, "Hindi ko alam." Dinala nila sa mga Fariseo ang lalaki na dating bulag. Noon ay araw ng Sabbath nang gumawa ng putik si Jesus, at binuksan ang kanyang mga mata. Muli na naman siyang tinanong ng mga Fariseo kung paano siya nagkaroon ng paningin. At sinabi niya sa kanila, "Nilagyan niya ng putik ang aking mga mata, at hinugasan ko, at ako'y nakakita." Kaya't sinabi ng ilan sa mga Fariseo, "Ang taong ito'y hindi mula sa Diyos, sapagkat hindi siya nangingilin ng Sabbath." Subalit sinabi ng iba, "Paanong makakagawa ng gayong mga tanda ang isang taong makasalanan?" At nagkaroon ng pagkakahati-hati sa kanila. Muling sinabi nila sa bulag, "Ano ang masasabi mo tungkol sa kanya, sapagkat binuksan niya ang iyong mga mata?" At kanyang sinabi, "Siya'y isang propeta." Hindi naniwala ang mga Judio na siya'y dating bulag at nagkaroon ng kanyang paningin, hanggang sa kanilang tinawag ang mga magulang ng lalaki na nagkaroon ng paningin, at tinanong sila, "Ito ba ang inyong anak, na sinasabi ninyong ipinanganak na bulag? Paanong nakakakita na siya ngayon?" Sumagot ang kanyang mga magulang, "Alam naming ito'y aming anak, at siya'y ipinanganak na bulag. Subalit kung paanong siya'y nakakakita ngayon, ay hindi namin alam, o kung sino ang nagbukas ng kanyang mga mata, ay hindi namin kilala. Tanungin ninyo siya, siya'y may sapat na gulang na, at siya'y magsasalita para sa kanyang sarili." Ang mga bagay na ito'y sinabi ng kanyang mga magulang sapagkat natatakot sila sa mga Judio. Sapagkat pinagkaisahan na ng mga Judio, na kung ang sinuman ay magpahayag na si Jesus ang Cristo ay palalayasin mula sa sinagoga. Kaya't sinabi ng kanyang mga magulang, "Siya'y may sapat na gulang na, tanungin ninyo siya." Dahil dito'y tinawag nilang muli ang taong dating bulag, at sinabi sa kanya, "Luwalhatiin mo ang Diyos. Nalalaman naming makasalanan ang taong ito." Sumagot siya, "Kung siya'y makasalanan ay hindi ko alam. Isang bagay ang nalalaman ko, bagaman ako'y dating bulag, ngayo'y nakakakita na ako." Sinabi nila sa kanya, "Ano ang ginawa niya sa iyo? Paano niya binuksan ang iyong mga mata?" Kanyang sinagot sila, "Sinabi ko na sa inyo, at hindi kayo nakinig. Bakit ibig ninyong marinig uli? Ibig din ba ninyong maging mga alagad niya?" At siya'y kanilang nilait at sinabi, "Ikaw ay alagad niya, subalit kami'y mga alagad ni Moises. Alam naming nagsalita ang Diyos kay Moises, subalit tungkol sa taong ito, ay hindi namin nalalaman kung saan siya nagmula." Sumagot ang tao at sakanila'y sinabi, "Ito ang nakapagtataka! Hindi ninyo alam kung saan siya nagmula, subalit binuksan niya ang aking mga mata. Alam nating hindi pinapakinggan ng Diyos ang mga makasalanan, subalit kung ang sinuman ay sumasamba sa Diyos at gumaganap ng kanyang kalooban, ito ang kanyang pinapakinggan. Buhat nang magsimula ang sanlibutan ay hindi narinig kailan man na binuksan ng sinuman ang mga mata ng isang taong ipinanganak na bulag. Kung ang taong ito'y hindi ga ling sa Diyos, siya ay hindi makakagawa ng anuman." Kanilang sinagot siya, "Ipinanganak kang lubos sa kasalanan, at tuturuan mo pa kami?" At siya'y pinalayas nila. Nabalitaan ni Jesus na siya'y pinalayas nila at nang kanyang makita siya, ay sinabi niya, "Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?" Sumagot siya, "Sino ba siya, Ginoo, upang ako'y sumampalataya sa kanya?" Sinabi sa kanya ni Jesus, "Siya'y nakita mo na, at siya ang nakikipag-usap sa iyo." Sinabi niya, "Panginoon, sumasampalataya ako." At siya'y sumamba sa kanya. Sinabi ni Jesus, "Pumarito ako sa sanlibutang ito para sa paghatol, upang ang mga hindi nakakakita ay makakita, at upang ang mga nakakakita, ay maging mga bulag." Ang ilan sa mga Fariseo na kasama niya ay nakarinig ng mga bagay na ito, at sinabi sa kanya, "Kami ba naman ay mga bulag din?" Sinabi ni Jesus sa kanila, "Kung kayo'y mga bulag, hindi kayo magkakaroon ng kasalanan. Subalit ngayong sinasabi ninyo, 'Kami'y nakakakita,' nananatili ang inyong kasalanan." "Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang pumapasok sa hindi pintuan ng kulungan ng mga tupa kundi umaakyat sa ibang daan, ang taong iyon ay tulisan at magnanakaw. Ngunit ang pumapasok sa pintuan ay siyang pastol ng mga tupa. Pinagbubuksan siya ng bantay sa pinto; at pinapakinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa pangalan, at sila'y inihahatid papalabas. Kapag nailabas na niya ang lahat ng kanya, ay nangunguna siya sa kanila at sumusunod sa kanya ang mga tupa, sapagkat kilala nila ang kanyang tinig. Ngunit hindi sila susunod kailanman sa iba, kundi lalayo sila sa kanya, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng iba." Sinabi ni Jesus sa kanila ang paghahambing na ito, subalit hindi nila naunawaan ang mga bagay na sinasabi niya sa kanila. Kaya't muling sinabi sa kanila ni Jesus, "Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ako ang pintuan ng mga tupa. Ang lahat ng nauna sa akin ay mga tulisan at mga magnanakaw, subalit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako ang pintuan. Ang sinumang pumasok sa pamamagitan ko ay maliligtas, at papasok at lalabas, at makakatagpo ng pastulan. Ang magnanakaw ay dumarating lamang upang magnakaw, pumatay, at pumuksa. Ako'y pumarito upang sila'y magkaroon ng buhay, at magkaroon nito nang may kasaganaan. Ako ang mabuting pastol. Ibinibigay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa. Ang upahan at hindi pastol, at hindi may-ari ng mga tupa, nang makitang dumarating ang asong-gubat ay pinababayaan ang mga tupa at tumatakas. At inaagaw sila ng asong-gubat, at ikinakalat. Siya'y tumatakas sapagkat siya'y upahan, at walang malasakit sa mga tupa. Ako ang mabuting pastol. Kilala ko ang sariling akin, at kilala ako ng sariling akin. Gaya ng pagkakilala sa akin ng Ama, at ng pagkakilala ko sa Ama, at ibinibigay ko ang aking buhay para sa mga tupa. Mayroon akong ibang mga tupa na wala sa kulungang ito. Kailangan ko rin silang dalhin dito at kanilang papakinggan ang aking tinig. Kaya't magkakaroon ng isang kawan na may isang pastol. Dahil dito'y minamahal ako ng Ama, sapagkat ibinibigay ko ang aking buhay, upang ito'y kunin kong muli. Walang nag-aalis nito sa akin, kundi kusa kong ibinibigay. May kapangyarihan akong ibigay ito, at may kapangyarihan akong kunin itong muli. Tinanggap ko ang utos na ito mula sa aking Ama." At muling nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa mga Judio dahil sa mga salitang ito. At marami sa kanila ang nagsasabi, "Mayroon siyang demonyo, at siya'y nauulol, bakit ninyo siya pinapakinggan?" Sinasabi naman ng iba, "Hindi ito ang mga salita ng isang may de monyo. Kaya ba ng demonyo na magbukas ng mga mata ng bulag?" Nang panahong iyon, sa Jerusalem ay kapistahan ng Pagtatalaga. Noon ay tagginaw, at naglalakad si Jesus sa templo sa portiko ni Solomon. Kaya't pinalibutan siya ng mga Judio, at sinabi sa kanya, "Hanggang kailan mo kami ilalagay sa alanganin? Kung ikaw ang Cristo, sabihin mong maliwanag sa amin." Sinagot sila ni Jesus, "Sinabi ko na sa inyo, at hindi kayo naniwala. Ang mga gawang ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ay siyang nagpapatotoo sa akin. Subalit hindi kayo naniwala, sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. Pinapakinggan ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila'y aking kilala, at sila'y sumusunod sa akin. Sila'y binibigyan ko ng buhay na walang hanggan, at kailanma'y hindi sila mapapahamak, at hindi sila aagawin ng sinuman sa aking kamay. Ang mga ibinigay sa akin ng aking Ama ay higit na dakila kaysa lahat, at walang makakaagaw ng mga ito sa kamay ng Ama. Ako at ang Ama ay iisa." Muling dumampot ng mga bato ang mga Judio upang siya'y batuhin. Sinagot sila ni Jesus, "Maraming mabubuting gawa mula sa Ama ang ipinakita ko sa inyo. Alin sa mga gawang iyon ang dahilan at babatuhin ninyo ako?" Sumagot sa kanya ang mga Judio, "Hindi dahil sa mabuting gawa ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan. Sapagkat ikaw, na isang tao, ay nag-aangkin na Diyos." Sinagot sila ni Jesus, "Hindi ba nasusulat sa inyong kautusan, Aking sinabi, kayo'y mga diyos?' Kung tinawag niyang mga diyos ang mga dinatnan ng salita ng Diyos (at hindi maaaring masira ang kasulatan), sinasabi ba ninyo tungkol sa kanya na hinirang ng Ama at sinugo sa sanlibutan, 'Ikaw ay lumalapastangan,' sapagkat sinasabi ko, Ako ay Anak ng Diyos?' Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking Ama, ay huwag kayong sumampalataya sa akin. Subalit kung ginagawa ko, kahit hindi kayo sumampalataya sa akin, ay sumampalataya kayo sa mga gawa; upang inyong malaman at maunawaan na ang Ama ay nasa akin, at ako'y nasa Ama." Muli nilang pinagsikapang siya'y hulihin, subalit siya'y tumakas sa kanilang mga kamay. Siya'y muling pumunta sa kabila ng Jordan, sa pook na noong una'y pinagbautismuhan ni Juan, at siya'y nanatili doon. Marami ang pumunta sa kanya at kanilang sinabi, "Si Juan ay hindi gumawa ng tanda, ngunit lahat ng mga bagay na sinabi ni Juan tungkol sa taong ito ay totoo." At marami ang sumampalataya sa kanya roon. Noon ay mayroong isang tao na maysakit, si Lazaro na taga-Betania, ang nayon nina Maria at Marta na kanyang mga kapatid. Si Maria ang siyang nagbuhos sa Panginoon ng pabango, at pinunasan ang mga paa nito ng kanyang buhok. Ang kanyang kapatid na si Lazaro ay may sakit. Kaya't ang magkapatid na babae ay nagbalita kay Jesus, "Panginoon, siya na iyong minamahal ay may sakit." Ngunit nang ito ay marinig ni Jesus ay sinabi niya, "Ang sakit na ito'y hindi tungo sa kamatayan, kundi para sa ikaluluwalhati ng Diyos, upang ang Anak ng Diyos ay luwalhatiin sa pamamagitan nito." Mahal nga ni Jesus si Marta, at ang kanyang kapatid na babae, at si Lazaro. Nang mabalitaan niya na si Lazaro ay may sakit, siya'y nanatili ng dalawang araw pa sa dating lugar na kinaroroonan niya. Pagkatapos nito ay sinabi niya sa mga alagad, "Pumunta tayong muli sa Judea." Sinabi sa kanya ng mga alagad, "Rabi, ngayo'y pinagsisikapan kang batuhin ng mga Judio, at muli kang pupunta roon?" Sumagot si Jesus, "Hindi ba ang maghapon ay may labindalawang oras? Ang lumalakad samantalang araw ay hindi natitisod, sapagkat nakikita niya ang ilaw ng sanlibutang ito. Ngunit ang taong lumalakad samantalang gabi ay natitisod, sapagkat wala sa kanya ang ilaw. Pagkatapos nito'y sinabi niya sa kanila, "Si Lazaro na ating kaibigan ay natutulog, ngunit ako'y pupunta roon, upang gisingin siya." Sinabi ng mga alagad sa kanya, "Panginoon, kung siya'y natutulog, siya'y gagaling." Subalit ang sinasabi ni Jesus ay tungkol sa pagkamatay ni Lazaro, subalit inakala nila na ang tinutukoy niya ay ang karaniwang pagtulog. Kaya't pagkatapos ay maliwanag na sinabi sa kanila ni Jesus, "Namatay si Lazaro, at ikinagagalak ko alang-alang sa inyo na ako'y wala roon, upang kayo'y sumampalataya. Gayunma'y tayo na sa kanya." Si Tomas na tinatawag na Kambal ay nagsabi sa mga kapwa niya alagad, "Pumunta rin tayo upang mamatay na kasama niya." Kaya't nang dumating si Jesus, ay naratnan niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. Ang Betania ay malapit sa Jerusalem, na may layong tatlong kilometro. At maraming mga Judio ang pumunta kina Marta at Maria, upang sila'y aliwin dahil sa kanilang kapatid. Nang marinig ni Marta na si Jesus ay dumarating, siya ay pumunta at sinalubong siya, samantalang si Maria ay naiwan sa bahay. Sinabi ni Marta kay Jesus, "Panginoon, kung narito ka sana hindi sana namatay ang kapatid ko. Subalit kahit ngayon ay nalalaman ko, na anumang hingin mo sa Diyos ay ibibigay sa iyo ng Diyos." Sinabi sa kanya ni Jesus, "Muling mabubuhay ang iyong kapatid." Sinabi ni Marta sa kanya, "Alam kong siya'y muling mabubuhay sa muling pagkabuhay sa huling araw." Sinabi sa kanya ni Jesus, "Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sumasampalataya sa akin, bagama't siya'y mamatay, ay mabubuhay. At ang bawat nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailanman. Pinaniniwalaan mo ba ito?" Sinabi niya sa kanya, "Opo, Panginoon. Sumasampalataya ako na ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos, ang siyang darating sa sanlibutan. Nang masabi na niya ito ay umalis siya, at tinawag ang kapatid niyang si Maria at palihim na sinabi, "Ang Guro ay narito at tinatawag ka." Nang marinig niya ito, dali-dali siyang tumayo at pumunta sa kanya. (Hindi pa noon dumarating si Jesus sa nayon, kundi naroroon pa sa lugar kung saan siya sinalubong ni Marta.) Nakita ng mga Judio, na kanyang mga kasama sa bahay at umaaliw sa kanya, na si Maria ay dali-daling tumindig at lumabas. Sila ay sumunod sa kanya sa pag-aakalang pupunta siya sa libingan upang doo'y umiyak. Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, at nang makita siya ni Maria, lumuhod ito sa kanyang paanan, na sinasabi sa kanya, "Panginoon, kung ikaw sana'y narito, hindi sana namatay ang aking kapatid." Kaya't nang makita ni Jesus na siya'y umiiyak, pati na ang mga Judiong dumating na kasama niya, siya ay nabagabag sa espiritu at nabahala, at sinabi, "Saan ninyo siya inilagay?" Sinabi nila sa kanya, "Panginoon, halika at tingnan mo." Umiyak si Jesus. Sinabi ng mga Judio, "Tingnan ninyo kung gaano ang pagmamahal niya sa kanya!" Subalit ang ilan sa kanila'y nagsabi, "Hindi ba siya na nagbukas ng mga mata ng bulag ay napigilan sana niya ang taong ito na mamatay?" Si Jesus na lubhang nabagabag na muli ay pumunta sa libingan. Iyon ay isang yungib at mayroong isang batong nakatakip doon. Sinabi ni Jesus, "Alisin ninyo ang bato." Si Marta, na kapatid ng namatay, ay nagsabi sa kanya, "Panginoon, nangangamoy na siya ngayon, sapagkat apat na araw na siyang patay." Sinabi sa kanya ni Jesus, "Hindi ba sinabi ko sa iyo, na kung ikaw ay sasampalataya, ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?" Kaya't inalis nila ang bato. Tumingin si Jesus sa itaas at sinabi, "Ama, nagpapasalamat ako sa iyo na ako'y iyong pinakinggan. alam kong ako'y lagi mong pinapakinggan. Ngunit ito'y sinabi ko alang-alang sa maraming taong nasa palibot, upang sila'y sumampalataya na ako ay sinugo mo." nang masabi niya ang mga ito ay sumigaw siya ng malakas na tinig, "Lazaro, lumabas ka!" Ang taong namatay ay lumabas, na ang mga kamay at mga paa ay natatalian ng mga telang panlibing, at ang kanyang mukha ay may balot na tela. Sinabi sa kanila ni Jesus, "Siya'y inyong kalagan, at hayaan ninyong makaalis." Kaya't marami sa mga Judio na sumama kay Maria at nakakita ng ginawa niya ang sumampalataya sa kanya. Subalit ang ilan sa kanila ay pumunta sa mga Fariseo, at sinabi sa kanila ang mga bagay na ginawa ni Jesus. Kaya't ang mga punong pari at ang mga Fariseo ay nagpatawag ng pagpupulong at sinabi, "Ano ang gagawin natin? Ang taong ito'y gumagawa ng maraming tanda. Kung siya'y ating pabayaan ng ganito, ang lahat ng mga tao ay maniniwala sa kanya. Darating ang mga Romano at wawasakin ang ating Templo' at ang ating bansa." Ngunit ang isa sa kanila, si Caifas na pinakapunong pari nang panahong iyon ay nagsabi sa kanila, "Wala talaga kayong nalalaman. Hindi ba ninyo nauunawaan na mas mabuti para sa inyo na ang isang tao ay mamatay alang-alang sa bayan, kaysa mapahamak ang buong bansa?" Hindi niya ito sinabi mula sa kanyang sarili, kundi bilang pinakapunong pari nang panahong iyon siya'y nagpropesiya na si Jesus ay mamamatay para sa bansa; at hindi para sa bansa lamang, kundi upang tipunin niya sa iisa ang mga anak ng Diyos na nagkahiwa-hiwalay. Kaya't mula nang araw na iyon ay binalak nilang siya'y patayin. Mula noon, si Jesus ay hindi na naglalakad nang hayagan sa gitna ng mga Judio, kundi pumunta siya sa lupaing malapit sa ilang, sa isang bayan na tinatawag na Efraim. Siya'y nanirahan doon kasama ng mga alagad. Ang Paskuwa nga ng mga Judio ay malapit na, at maraming umahon tungo sa Jerusalem mula sa lupaing iyon bago magpaskuwa, upang linisin ang kanilang mga sarili. Hinahanap nila si Jesus, at sinasabi sa isa't isa habang nakatayo sila sa templo, "Ano sa palagay ninyo? Hindi kaya siya pupunta sa pista?" Ang mga punong pari at ang mga Fariseo ay nag-utos na sinumang nakakaalam ng kinaroroonan ni Jesus ay dapat ipagbigay-alam sa kanila upang siya'y kanilang madakip. Anim na araw bago mag-paskuwa ay pumunta si Jesus sa Betania, na kinaroroonan ni Lazaro, na muling binuhay ni Jesus mula sa mga patay. Siya'y ipinaghanda nila roon ng isang hapunan. Si Marta ay naglilingkod, at si Lazaro ay isa sa nakaupo sa may hapag-kainan na kasalo niya. Si Maria ay kumuha ng isang libra ng mamahaling pabango mula sa purong nardo at pinahiran ang mga paa ni Jesus, at pinunasan ang mga paa nito ng kanyang mga buhok. At ang bahay ay napuno ng amoy ng pabango. Subalit si Judas Iscariote, isa sa kanyang mga alagad na magkakanulo sa kanya, ay nagsabi, "Bakit hindi ipinagbili ang pabangong ito ng tatlong daang denario, at ibinigay sa mga dukha?" Ngunit ito'y sinabi niya, hindi dahil nagmamalasakit siya sa mga dukha, kundi sapagkat siya'y isang magnanakaw. At palibhasa'y nasa kanya ang supot ay kinukuha niya ang inilalagay doon. Kaya't sinabi ni Jesus, "Hayaan ninyo siya. Inilaan niya ito sa araw ng paglilibing sa akin. Sapagkat ang mga dukha ay laging nasa inyo; ngunit ako'y hindi laging nasa inyo." Nang malaman ng maraming mga Judio na siya'y naroroon, sila'y pumunta hindi dahil kay Jesus lamang, kundi upang makita nila si Lazaro, na muling binuhay mula sa mga patay. Kaya't pinanukala ng mga punong pari na kanilang patayin din si Lazaro, sapagkat dahil sa kanya'y marami sa mga Judio ang umaalis at naniniwala kay Jesus. Kinabukasan, nang mabalitaan ng maraming taong dumalo sa pista na si Jesus ay darating sa Jerusalem, sila'y kumuha ng mga palapa ng puno ng palma, at lumabas upang sumalubong sa kanya, na sumisigaw, "Hosana! Mapalad siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon, ang Hari ng Israel." Nakakita si Jesus ng isang batang asno, at sumakay siya roon, gaya ng nasusulat, "Huwag kang matakot, anak na babae ng Zion, tingnan mo, ang iyong Hari ay dumarating, na nakasakay sa isang anak ng asno." Sa simula ang mga bagay na ito ay hindi naunawaan ng kanyang mga alagad. Ngunit nang si Jesus ay niluwalhati na, saka nila naalala na ang mga bagay na ito ay sinulat tungkol sa kanya, at nangyari ang mga bagay na ito sa kanya. Kaya't ang maraming tao na kasama niya, nang tawagin niya si Lazaro mula sa libingan, at siya'y buhayin mula sa mga patay, ay siyang nagpapatunay. Ang dahilan kung bakit ang maraming tao ay sumalubong sa kanya ay sapagkat nabalitaan nila na ginawa niya ang tandang ito. Sinabi ng mga Fariseo sa isa't isa, "Tingnan ninyo, wala kayong magagawa. Ang sanlibutan ay sumusunod sa kanya." Kabilang sa mga umahon upang sumamba sa kapistahan ay ilang mga Griyego. Ang mga ito'y lumapit kay Felipe, na taga-Bethsaida ng Galilea, at sinabi sa kanya, "Ginoo, ibig sana naming makita si Jesus." Umalis si Felipe at sinabi kay Andres. Sumama si Andres kay Felipe, at kanilang sinabi kay Jesus. Sinagot sila ni Jesus, "Dumating na ang oras upang ang Anak ng Tao ay luwalhatiin. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maliban na ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ito ay mananatiling nag-iisa. Ngunit kung ito'y mamatay, ay nagbubunga ng marami. Ang umiibig sa kanyang buhay ay mawawalan nito, at ang napopoot sa kanyang buhay sa sanlibutang ito ay maiingatan ito para sa buhay na walang hanggan. Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at kung saan ako naroroon, ay naroroon din ang lingkod ko. Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin, siya'y pararangalan ng Ama. "Ngayon ay nababagabag ang aking kaluluwa. At ano ang aking sasabihin? 'Ama, iligtas mo ako sa oras na ito?' Ngunit dahil dito ay dumating ako sa oras na ito. Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan." At dumating ang isang tinig mula sa langit, "Niluwalhati ko na, at muli kong luluwalhatiin." Narinig ito ng maraming taong nakatayo roon at sinabi nilang kumulog. Sinabi naman ng iba na, "Isang anghel ang nakipag-usap sa kanya." Sumagot si Jesus, 'Ang tinig na ito'y dumating para sa inyo, hindi para sa akin. Ngayon ang paghatol sa sanlibutang ito. Ngayon ang pinuno ng sanlibutang ito ay palalayasin. At ako, kapag ako'y itinaas na mula sa lupa, ang lahat ng mga tao ay papalapitin ko sa aking sarili." Ito'y sinabi niya, upang ipahiwatig kung sa anong uri ng kamatayan ang ikamamatay niya. Sinagot siya ng mga tao, "Aming narinig mula sa kautusan na ang Cristo ay nananatili magpakailanman. Paano mong nasabi na ang Anak ng Tao ay kailangang itaas? Sino itong Anak ng Tao? Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, "Ang ilaw ay kasama ninyo ng kaunti pang panahon. Kayo'y lumakad habang nasa inyo ang ilaw, upang huwag kayong abutin ng dilim. Ang lumalakad sa dilim ay hindi nalalaman kung saan siya tutungo. Samantalang nasa inyo ang ilaw, sumampalataya kayo sa ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng ilaw." Nang masabi ni Jesus ang mga bagay na ito siya'y umalis at nagtago sa kanila. Bagama't gumawa siya sa harapan nila ng maraming mga tanda, sila ay hindi naniwala sa kanya; upang matupad ang sinabi ni propeta Isaias: "Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita? At kanino nahayag ang bisig ng Panginoon?" Kaya't hindi sila makapaniwala, sapagkat sinabi rin ni Isaias, "Binulag niya ang kanilang mga mata, at pinatigas niya ang kanilang mga puso; upang sila'y huwag makakita sa pamamagitan ng kanilang mga mata, at makaunawa sa pamamagitan ng kanilang puso, at magbalik-loob, at sila'y pagalingin ko." Ang mga bagay na ito'y sinabi ni Isaias, sapagkat nakita niya ang kanyang kaluwalhatian, at nagsalita tungkol sa kanya. Gayunman, maging sa mga pinuno ay maraming sumampalataya sa kanya; subalit dahil sa takot sa mga Fariseo ay hindi nila ito ipinahayag, baka sila'y mapalayas sa sinagoga, sapagkat inibig nila ang papuri ng mga tao kaysa papuri ng Diyos. Si Jesus ay sumigaw at nagsabi, "Ang sumasampalataya sa akin ay hindi sa akin sumasampalataya, kundi doon sa nagsugo sa akin. At ang nakakita sa akin ay nakakita doon sa nagsugo sa akin. Ako'y naparito na isang ilaw sa sanlibutan, upang ang sinumang sumampalataya sa akin ay huwag manatili sa kadiliman. Kung ang sinuman ay nakikinig sa aking mga salita, at hindi tumutupad ng mga iyon ay hindi ko siya hinahatulan, sapagkat hindi ako naparito upang humatol sa sanlibutan, kundi upang iligtas ang sanlibutan. Ang nagtatakuwil sa akin at hindi tumatanggap sa aking mga salita ay mayroong isang humahatol sa kanya. Ang salitang aking sinabi ang siyang hahatol sa kanya sa huling araw. Sapagkat ako'y hindi nagsasalita mula sa aking sarili kundi ang Ama na nagsugo sa akin ay siyang nagbigay sa akin ng utos, kung ano ang dapat kong sabihin, at kung ano ang dapat kong bigkasin. Nalalaman ko na ang kanyang utos ay buhay na walang hanggan. Kaya't ang mga bagay na sinasabi ko ay aking sinasabi ayon sa sinabi ng Ama." Bago magpista ng Paskuwa, alam na ni Jesus na dumating na ang oras ng kanyang pagpanaw sa sanlibutang ito patungo sa Ama. Yamang minamahal niya ang sariling kanya na nasa sanlibutan, sila ay kanyang minahal hanggang sa katapusan. Nang oras ng hapunan, inilagay na ng diyablo sa puso ni Judas Iscariote, na anak ni Simon, na ipagkanulo siya. Alam ni Jesus na ibinigay na ng Ama ang lahat ng mga bagay sa kanyang mga kamay, at siya'y nanggaling sa Diyos at patungo sa Diyos. Kaya tumindig siya pagkatapos maghapunan, itinabi ang kanyang damit, at siya'y kumuha ng isang tuwalya, at ibinigkis sa kanyang sarili. Pagkatapos ay nagsalin siya ng tubig sa palanggana, at nagsimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad, at pagkatapos ay pinunasan ng tuwalya na nakabigkis sa kanya. Lumapit siya kay Simon Pedro na nagtanong sa kanya, "Panginoon, huhugasan mo ba ang aking mga paa?" Sumagot si Jesus sa kanya, "Ang ginagawa ko'y hindi mo pa nauunawaan ngayon, ngunit malalaman mo pagkatapos ng mga ito." Sinabi sa kanya ni Pedro, "Hindi mo huhugasan ang aking mga paa kailanman." Sinagot siya ni Jesus, "Kung hindi kita huhugasan, ay hindi ka magkakaroon ng bahagi sa akin." Sinabi sa kanya ni Simon Pedro, "Panginoon, hindi ang aking mga paa lamang, kundi pati ang aking mga kamay at ang aking ulo." Sinabi sa kanya ni Jesus, 'Ang napaliguan na ay hindi na kailangang hugasan maliban ang kanyang mga paa, sapagkat malinis nang lubos. Kayo'y malilinis na, ngunit hindi ang lahat. Sapagkat nalalaman niya kung sino ang magkakanulo sa kanya, kaya't sinabi niya, "Hindi lahat sa inyo ay malilinis." Kaya nang mahugasan niya ang kanilang mga paa, at makuha ang kanyang mga damit at muling maupo, ay sinabi niya sa kanila, "Nalalaman ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon at tama kayo, sapagkat ako nga. Kung ako nga, na Panginoon at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, kayo man ay dapat ding maghugas ng mga paa ng isa't isa. Sapagkat kayo'y binigyan ko ng halimbawa, upang gawin din ninyo ayon sa ginawa ko sa inyo. Katotohanang, sinasabi ko sa inyo, ang alipin ay hindi higit na dakila kaysa kanyang panginoon, ang sinugo ay higit na dakila kaysa nagsugo sa kanya. Kung nalalaman ninyo ang mga bagay na ito, mapapalad kayo kung inyong gagawin. Hindi ako nagsasalita tungkol sa inyong lahat; nakikilala ko ang aking mga hinirang. Ngunit ito ay upang matupad ang kasulatan, Ang kumain ng aking tinapay ay nagtaas ng kanyang sakong laban sa akin.' Sinasabi ko na sa inyo ngayon bago ito mangyari, upang kapag ito ay nangyari ay maniwala kayo na Ako Nga. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumatanggap sa aking sinugo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tinatanggap siya na nagsugo sa akin." Nang masabi ni Jesus ang mga bagay na ito, siya'y nabagabag sa espiritu, at nagpatotoo, "Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ako'y ipagkakanulo ng isa sa inyo." Ang mga alagad ay nagtinginan sa isa't isa na hindi tiyak kung sino ang tinutukoy niya. Isa sa kanyang mga alagad, na minamahal ni Jesus, ang nakahilig malapit kay Jesus. Hinudyatan siya ni Simon Pedro upang itanong kay Jesus kung sino ang tinutukoy niya. Kaya't yamang nakahilig malapit kay Jesus ay sinabi sa kanya, "Panginoon, sino ba iyon?" Sumagot si Jesus, "Siya iyong aking bibigyan ng tinapay pagkatapos na maisawsaw ko ito." Kaya't nang maisawsaw niya ang tinapay, ay kinuha niya at ibinigay niya kay Judas, na anak ni Simon Iscariote. Pagkatapos na matanggap ang kapirasong tinapay, si Satanas ay pumasok sa kanya. Sinabi sa kanya ni Jesus, "Gawin mong mabilis ang iyong gagawin." Hindi nalalaman ng sinumang nasa hapag ang dahilan kung bakit niya sinabi ang mga ito sa kanya. Iniisip ng ilan na sapagkat si Judas ang may hawak ng supot, ay sinabi ni Jesus sa kanya, "Bumili ka ng mga bagay na ating kailangan sa pista," o, magbigay siya ng anuman sa mga dukha. Kaya't pagkatapos tanggapin ang tinapay ay nagmamadali siyang lumabas. Noon ay gabi na. Nang siya'y makalabas na, ay sinabi ni Jesus, "Ngayon ay niluwalhati ang Anak ng Tao, at ang Diyos ay niluwalhati sa kanya; kung ang Diyos ay niluwalhati sa kanya, luluwalhatiin din siya ng Diyos sa kanya, at luluwalhatiin siya kaagad. Maliliit na mga anak, makakasama pa ninyo ako nang kaunting panahon. Ako'y inyong hahanapin. At gaya ng sinabi ko sa mga Judio ay sinasabi ko sa inyo ngayon. 'Sa pupuntahan ko, ay hindi kayo makakapunta.' Isang bagong utos ang sa inyo'y ibinibigay ko, na kayo'y magmahalan sa isa't isa. Kung paanong minahal ko kayo, magmahalan din kayo sa isa't isa. Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo'y may pag-ibig sa isa't isa." Sinabi sa kanya ni Simon Pedro, "Panginoon, saan kapupunta?" Sumagot si Jesus, "Sa pupuntahan ko ay hindi ka makakasunod sa akin ngayon; ngunit pagkatapos ay makakasunod ka." Sinabi sa kanya ni Pedro, "Panginoon, bakit hindi ako makakasunod sa iyo ngayon? Ang aking buhay ay ibibigay ko para sa iyo." Sumagot si Jesus, "Ang buhay mo ba'y ibibigay mo dahil sa akin? Katotohanang sinasabi ko sa iyo, hindi titilaok ang manok, hanggang ipagkaila mo ako ng tatlong beses. "Huwag mabagabag ang inyong puso. Sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya rin naman kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan. Kung hindi gayon, sasabihin ko ba sa inyo na ako'y paparoon upang ihanda ko ang lugar para sa inyo? At kung ako'y pumunta roon at maihanda ko ang isang lugar para sa inyo, ako'y babalik at kayo'y tatanggapin ko sa aking sarili, upang kung saan ako naroroon, kayo rin ay naroroon. Nalalaman ninyo ang daan patungo sa lugar na aking pupuntahan." Sinabi sa kanya ni Tomas, "Panginoon, hindi namin alam kung saan ka pupunta. Paano namin malalaman ang daan?" Sinabi sa kanya ni Jesus, 'Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay. Sinuman ay hindi makakarating sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung ako'y kilala ninyo ay makikilala rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon siya'y inyong nakikilala at siya'y inyong nakita." Sinabi sa kanya ni Felipe, "Panginoon, ipakita mo sa amin ang Ama, at kami ay masisiyahan na." Sinabi sa kanya ni Jesus, "Mahabang panahon nang ako'y kasama ninyo, at hindi mo ako nakikilala, Felipe? Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama. Paano mong nasabi, 'Ipakita mo sa amin ang Ama?' Hindi ka ba sumasampalataya na ako'y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? Ang mga salitang aking sinasabi sa inyo'y hindi ko sinasabi mula sa aking sarili, kundi ang Ama na nananatili sa akin ang gumagawa ng kanyang mga gawa. Sumampalataya kayo sa akin na ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Subalit kung hindi ay sumampalataya kayo sa akin dahil sa mga gawa. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang sumasampalataya sa akin ay gagawin din ang mga gawang aking ginagawa, at lalong dakilang mga gawa kaysa rito ang gagawin niya, sapagkat ako'y pupunta sa Ama. At anumang hingin ninyo sa aking pangalan ay aking gagawin, upang ang Ama ay maluwalhati sa Anak. Kung kayo'y humingi ng anuman sa pangalan ko ay gagawin ko. "Kung ako'y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos. At hihingin ko sa Ama, at kayo'y bibigyan niya ng isa pang Mang-aaliw, upang makasama ninyo siya magpakailanman, Ito ang Espiritu ng katotohanan na hindi kayang tanggapin ng sanlibutan; sapagkat siya'y hindi nito nakikita o nakikilala man. Siya'y nakikilala ninyo, sapagkat siya'y nananatiling kasama ninyo at siya ay mapapasa inyo. Hindi ko kayo iiwang nag-iisa, ako'y darating sa inyo. Kaunti pang panahon at hindi na ako makikita ng sanlibutan, ngunit makikita ninyo ako; sapagkat ako'y nabubuhay ay mabubuhay rin kayo. Sa araw na iyon ay malalaman ninyong ako'y nasa aking Ama, at kayo'y nasa akin, at ako'y nasa inyo. Siyang mayroon ng aking mga utos at tinutupad ang mga iyon ay siyang nagmamahal sa akin, at ang nagmamahal sa akin ay mamahalin ng aking Ama, at siya'y mamahalin ko, at ihahayag ko ang aking sarili sa kanya." Si Judas (hindi ang Iscariote) ay nagsabi sa kanya, "Panginoon, paano mong ihahayag ang iyong sarili sa amin, at hindi sa sanlibutan?" Sumagot si Jesus sa kanya, "Kung ang isang tao ay nagmamahal sa akin, ay kanyang tutuparin ang aking salita, at siya'y mamahalin ng aking Ama, at kami'y lalapit sa kanya, at kami'y gagawa ng tahanang kasama siya. Ang hindi nagmamahal sa akin ay hindi tumutupad ng aking mga salita, at ang salitang inyong narinig ay hindi akin, kundi sa Amang nagsugo sa akin. Ang mga bagay na ito'y sinabi ko sa inyo, samantalang ako'y nananatiling kasama pa ninyo. Subalit ang Mang-aaliw, ang Espiritu Santo na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalala sa inyo ng lahat ng aking sinabi sa inyo. Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo, ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo. Hindi gaya ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag mabagabag ang inyong puso, o matakot man. Narinig ninyong sinabi ko sa inyo, 'Ako ay aalis, at babalik ako sa inyo. Kung ako'y inyong minamahal, kayo'y magagalak sapagkat ako'y pupunta sa Ama; sapagkat ang Ama ay higit na dakila kaysa akin.' At ngayon ay sinabi ko sa inyo bago pa mangyari, upang kung ito'y mangyari, kayo ay maniwala. Hindi na ako magsasalita pa ng marami sa inyo, sapagkat dumarating ang pinuno ng sanlibutan. Siya'y walang kapangyarihan sa akin. Subalit ginagawa ko ang ayon sa iniutos sa akin ng Ama, upang malaman ng sanlibutan na minamahal ko ang Ama. Tumindig tayo at umalis na tayo rito. "Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga. Ang bawat sanga sa akin na hindi nagbubunga ay inaalis niya; at ang bawat sanga na nagbubunga ay nililinis niya upang lalong magbunga. Kayo'y malilinis na sa pamamagitan ng salita na aking sinabi sa inyo. Kayo'y manatili sa akin, at ako'y sa inyo. Gaya ng sanga na hindi magbubunga buhat sa kanyang sarili malibang nakakabit sa puno, gayundin naman kayo, malibang kayo'y manatili sa akin. Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin at ako'y sa kanya ay siyang nagbubunga ng marami. Sapagkat kung kayo'y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa. Kung ang sinuman ay hindi manatili sa akin, siya'y itatapong katulad ng sanga at matutuyo, at sila ay titipunin at ihahagis sa apoy at masusunog. Kung kayo'y mananatili sa akin, at ang mga salita ko'y mananatili sa inyo, hingin ninyo ang anumang inyong nais, at ito'y gagawin para sa inyo. Sa pamamagitan nito'y naluluwalhati ang aking Ama, na kayo'y magbunga ng marami, at maging mga alagad ko. Kung paanong minahal ako ng Ama, ay gayundin naman minamahal ko kayo. Manatili kayo sa aking pagmamahal. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, ay mananatili kayo sa aking pag-ibig gaya ng aking pagtupad sa mga utos ng aking Ama, at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig. Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo upang ang aking kagalakan ay mapasainyo, at ang inyong kagalakan ay malubos. Ito ang aking utos, na kayo'y magmahalan sa isa't isa, gaya ng pagmamahal ko sa inyo. Walang may higit pang dakilang pag-ibig kaysa rito, na ibigay ng isang tao ang kanyang buhay dahil sa kanyang mga kaibigan. Kayo'y aking mga kaibigan kung ginagawa ninyo ang mga bagay na aking iniuutos sa inyo. Hindi ko na kayo tatawaging mga alipin, sapagkat hindi nalalaman ng alipin kung ano ang ginagawa ng kanyang panginoon. Ngunit tinatawag ko kayong mga kaibigan sapagkat ang lahat ng mga bagay na narinig ko sa aking Ama ay ipinaalam ko sa inyo. Ako'y hindi ninyo pinili, ngunit kayo'y pinili ko, at itinalaga ko kayo upang kayo'y humayo at magbunga, at ang mga bunga ninyo'y mananatili, upang ang anumang inyong hingin sa Ama sa aking pangalan ay ibigay niya sa inyo. Ang mga bagay na ito ay iniuutos ko sa inyo, upang kayo'y magmahalan sa isa't isa. "Kung kayo'y kinapopootan ng sanlibutan, ay alamin ninyo na ako muna ang kinapootan nito bago kayo. Kung kayo'y taga-sanlibutan, iibigin kayo ng sanlibutan na parang sa kanya. Ngunit dahil kayo'y hindi taga-sanlibutan, kundi kayo'y pinili ko mula sa sanlibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan. Alalahanin ninyo ang salitang sinabi ko sa inyo, 'Ang alipin ay hindi higit na dakila kaysa kanyang panginoon.' Kung ako'y kanilang inusig, kayo man ay kanilang uusigin din; kung tinupad nila ang aking salita, ang inyo man ay tutuparin din nila. Subalit ang lahat ng mga bagay na ito ay gagawin nila sa inyo dahil sa aking pangalan, sapagkat hindi nila nakikilala ang nagsugo sa akin. Kung hindi ako dumating at nagsalita sa kanila ay hindi sana sila nagkasala. Subalit ngayo'y wala na silang maidadahilan sa kanilang kasalanan. Ang napopoot sa akin ay napopoot din sa aking Ama. Kung ako'y hindi gumawa sa gitna nila ng mga gawang hindi ginawa ng sinuman, hindi sana sila nagkaroon ng kasalanan. Subalit ngayon ay kanilang nakita at kinapootan nila ako at ang aking Ama. Ito ay upang matupad ang salitang nasusulat sa kanilang kautusan, Ako'y kinapootan nila nang walang kadahilanan.' Subalit kapag dumating na ang Mang-aaliw, na aking susuguin sa inyo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan, na mula sa Ama, siya ang magpapatotoo tungkol sa akin. At kayo rin ay magpapatotoo, sapagkat kayo'y nakasama ko buhat pa nang Simula. “Ang nga bagay na ito’y sinabi sa inyo upang kayo'y huwag matisod. Kayo'y palalayasin nila sa mga sinagoga. Talagang darating ang oras na ang sinumang papatay sa inyo ay mag-aakalang naghahandog siya ng paglilingkod sa Diyos. At ang mga bagay na ito'y gagawin nila sapagkat hindi nila nakikilala ang Ama o ako man. Subalit ang mga bagay na ito'y sinabi ko sa inyo, upang kung dumating ang kanilang oras ay inyong maalala na sinabihan ko kayo tungkol sa kanila. At ang mga bagay na ito'y hindi ko sinabi sa inyo buhat nang pasimula, sapagkat ako'y kasama ninyo. Subalit ngayon ako'y pupunta sa nagsugo sa akin. Ngunit walang sinuman sa inyo ang nagtanong sa akin, 'Saan ka pupunta?' Ngunit dahil sa sinabi ko ang mga bagay na ito sa inyo, napuno ng lungkot ang inyong puso. Gayunma'y sinasabi ko sa inyo ang katotohanan. Makakabuti sa inyo na ako'y umalis, sapagkat kung hindi ako aalis, ang Mang-aaliw ay hindi darating sa inyo. Ngunit kung ako'y umalis, siya'y susuguin ko sa inyo. At pagdating niya, kanyang susumbatan ang sanlibutan tungkol sa kasalanan, sa katuwiran, at sa kahatulan: tungkol sa kasalanan, sapagkat hindi sila sumasampalataya sa akin; tungkol sa katuwiran, sapagkat ako'y pupunta sa Ama, at hindi na ninyo ako makikita; tungkol sa kahatulan, sapagkat ang pinuno ng sanlibutang ito ay hinatulan na. Mayroon pa akong maraming bagay na sasabihin sa inyo, ngunit hindi ninyo kayang dalhin sa ngayon. Subalit kapag dumating na ang Espiritu ng katotohanan, papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan. Sapagkat hindi siya magsasalita nang mula sa kanyang sarili, kundi ang anumang bagay na kanyang marinig, iyon ang kanyang sasabihin at kanyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na darating. Luluwalhatiin niya ako, sapagkat kanyang tatanggapin ang sa akin, at sa inyo'y ipahahayag niya. Ang lahat ng mga bagay na nasa Ama ay akin, kaya sinabi ko na kanyang tatanggapin ang sa akin, at sa inyo'y ipahahayag. "Sandali na lamang, at ako'y hindi na ninyo makikita, at muling sandali pa, at ako'y inyong makikita." Ang ilan sa kanyang mga alagad ay nagsabi sa isa't isa, 'Ano itong sinasabi niya sa atin, 'Sandali na lamang, at ako'y hindi na ninyo makikita, at muling sandali pa, at ako'y inyong makikita' at, 'Sapagkat ako'y pupunta sa Ama?'" Sinabi nila, "Ano ang ibig niyang sabihin na, 'Sandali na lamang?' Hindi natin alam kung ano ang sinasabi niya." Nalaman ni Jesus na ibig nilang magtanong sa kanya, kaya't sinabi niya sa kanila, "Nagtatanungan ba kayo tungkol dito sa aking sinabi, 'Sandali na lamang, at ako'y hindi na ninyo makikita, at muling sandali pa, at ako'y inyong makikita?' Katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kayo'y iiyak at tatangis, subalit ang sanlibutan ay magagalak. Kayo'y malulungkot, subalit ang inyong kalungkutan ay magiging kagalakan. Kapag ang babae ay nanganganak, siya ay nahihirapan sapagkat dumating na ang kanyang oras. Ngunit pagkapanganak niya sa sanggol ay hindi na niya naaalala ang hirap dahil sa kagalakan sa pagkapanganak sa isang tao sa sanlibutan. Kayo sa ngayon ay may kalungkutan, ngunit muli ko kayong makikita. Magagalak ang inyong puso, at walang makakapag-alis sa inyo ng inyong kagalakan. Sa araw na iyon ay hindi kayo magtatanong sa akin ng anuman. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung kayo'y hihingi ng anuman sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya ito sa inyo. Hanggang ngayo'y wala pa kayong hinihinging anuman sa pangalan ko. Kayo'y humingi at kayo'y tatanggap, upang malubos ang inyong kagalakan. "Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito sa paraang patalinghaga. Darating ang oras, na hindi na ako magsasalita sa inyo nang patalinghaga, kundi maliwanag na sa inyo'y sasabihin ko ang tungkol sa Ama. Sa araw na iyon ay hihingi kayo sa aking pangalan, at hindi ko sinasabi sa inyo na ako'y hihingi sa Ama para sa inyo. Sapagkat ang Ama mismo ang nagmamahal sa inyo, sapagkat ako'y inyong minahal, at kayo'y nanampalataya na ako'y buhat sa Diyos. Ako'y nagbuhat sa Ama at dumating ako sa sanlibutan. Muli, iiwan ko ang sanlibutan, at ako'y pupunta sa Ama." Sinasabi ng kanyang mga alagad, "Oo nga, ngayo'y nagsasalita kang malinaw, at hindi patalinghaga. Ngayon ay nalalaman namin na nalalaman mo ang lahat ng mga bagay, at hindi na kailangang tanungin ka ng sinuman. Dahil dito'y sumasampalataya kami na ikaw ay nagbuhat sa Diyos." Sinagot sila ni Jesus, "Ngayon ba ay sumasampalataya na kayo? Narito, ang oras ay dumarating, at dumating na nga, na kayo'y magkakawatak-watak, ang bawat isa sa kanyang sarili, at ako'y iiwan ninyong mag-isa. Subalit hindi ako nag-iisa, sapagkat ang Ama ay kasama ko. Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa inyo, upang sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Sa sanlibutan ay nahaharap kayo sa paguusig. Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, dinaig ko na ang sanlibutan." Nang masabi na ni Jesus ang mga bagay na ito, tumingala siya sa langit at sinabi, "Ama, dumating na ang oras, luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang luwalhatiin ka ng Anak, yamang binigyan mo siya ng awtoridad sa lahat ng laman upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kanya. At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Diyos na tunay, at si Jesu-Cristo na iyong sinugo. Niluwalhati kita sa lupa, sa pagtatapos ko ng gawaing ibinigay mo sa akin. At ngayon, Ama, luwalhatiin mo ako sa iyong harapan ng kaluwalhatiang aking tinaglay sa harapan mo bago nagkaroon ng sanlibutan. Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila ay sa iyo, at sila'y ibinigay mo sa akin, at tinupad nila ang iyong salita. Ngayon ay nalalaman nila na ang lahat ng mga bagay na ibinigay mo sa akin ay mula sa iyo; sapagkat ang mga salitang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, at kanilang tinanggap, at totoong nalaman na ako ay nagmula sa iyo, at naniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin. Idinadalangin ko sila. Hindi ang sanlibutan ang idinadalangin ko, kundi para doon sa mga ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y iyo. Ang lahat ng sa akin ay iyo, at ang sa iyo ay akin, at ako'y naluluwalhati sa kanila. At ngayon ay wala na ako sa sanlibutan, subalit ang mga ito ay nasa sanlibutan, at ako'y papariyan sa iyo. Amang Banal, ingatan mo sila sa iyong pangalan, sila na ibinigay mo sa akin, upang sila'y maging isa, na gaya naman natin na iisa. Habang ako'y kasama nila, iningatan ko sila sa iyong pangalan, sila na ibinigay mo sa akin. Sila'y binantayan ko, at isa man sa kanila ay walang napahamak, maliban sa anak ng kapahamakan, upang matupad ang kasulatan. Ngunit ngayon ay pupunta ako sa iyo. Ang mga bagay na ito ay sinabi ko sa sanlibutan, upang sila'y magkaroon ng aking kagalakang ganap sa kanilang sarili. Ibinigay ko sa kanila ang iyong salita at napoot sa kanila ang sanlibutan, sapagkat hindi sila taga-sanlibutan, gaya ko naman na hindi taga-sanlibutan. Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa sanlibutan, kundi ingatan mo sila mula sa masama. Hindi sila taga-sanlibutan, na gaya ko na hindi taga-sanlibutan. Pabanalin mo sila sa katotohanan; ang salita mo ay katotohanan. Kung paanong ako'y iyong sinugo sa sanlibutan, sila ay sinugo ko rin sa sanlibutan. At dahil sa kanila'y pinabanal ko ang aking sarili, upang sila naman ay pabanalin sa katotohanan. Gayunma'y hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi sila rin naman na mga sumasampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita, upang silang lahat ay maging isa. Gaya mo, Ama, na nasa akin at ako'y sa iyo, sana sila'y manatili sa atin, upang ang sanlibutan ay sumampalataya na ako'y sinugo mo. At ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, upang sila'y maging isa, na gaya naman natin na iisa. Ako'y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang sila'y maging ganap na isa upang malaman ng sanlibutan na ikaw ang nagsugo sa akin at sila'y iyong minahal kung paanong ako'y iyong minahal. Ama, nais kong ang mga ibinigay mo sa akin ay makasama ko kung saan ako naroroon, upang makita nila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin, sapagkat ako'y iyong minahal bago pa natatag ang sanlibutan. O Makatarungang Ama, hindi ka nakikilala ng sanlibutan, ngunit nakikilala kita, at nakikilala ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinakilala ko sa kanila ang pangalan mo, at aking ipapakilala, upang ang pag-ibig mo sa akin ay mapasakanila, at ako'y sa kanila." Nang masabi ni Jesus ang mga salitang ito, siya'y umalis na kasama ng kanyang mga alagad na tumawid sa libis ng Cedron, patungo sa isang pook na may isang halamanan, na pinasok niya at ng kanyang mga alagad. Alam din ni Judas, na sa kanya'y nagkanulo, ang lugar sapagkat madalas na si Jesus ay nakikipagtipon doon kasama ng kanyang mga alagad. Kaya't si Judas ay nagdala ng pulutong ng mga kawal at ng mga punong kawal mula sa mga punong pari at mga Fariseo, at pumunta roon na may mga ilawan, mga sulo, at mga sandata. Si Jesus na nakakaalam ng lahat ng mga bagay na mangyayari sa kanya ay lumabas, at sa kanila'y sinabi, "Sino ang inyong hinahanap?" Sumagot sila, "Si Jesus na taga-Nazaret." Sinabi sa kanila ni Jesus, "Ako nga iyon." Si Judas na nagkanulo sa kanya ay nakatayong kasama nila. Nang sabihin ni Jesus sa kanila, "Ako nga," umurong sila at bumagsak sa lupa. Kaya't muli niyang tinanong sila, "Sino ang inyong hinahanap?" At sinabi nila, "Si Jesus na taga-Nazaret." Sumagot si Jesus, "Sinabi ko sa inyo na, 'Ako nga'. Kung ako ang inyong hinahanap, hayaan ninyong makaalis ang mga taong ito." Ito ay upang matupad ang salitang sinabi niya, "Sa mga ibinigay mo sa akin ay wala akong iwinala kahit isa." Pagkatapos, si Simon Pedro na may tabak ay hinugot ito, at tinaga ang alipin ng pinakapunong pari, at tinagpas ang kanyang kanang tainga. Ang pangalan ng alipin ay Malco. Kaya't sinabi ni Jesus kay Pedro, "Ibalik mo ang iyong tabak sa kaluban. Hindi ko ba iinuman ang kopang ibinigay sa akin ng Ama?" Kaya't dinakip at iginapos si Jesus ng mga kawal at ng kanilang kapitan, at ng mga punong kawal ng mga Judio. Siya'y dinala muna kay Anas, sapagkat siya'y biyenan ni Caifas, na pinakapunong pari nang panahong iyon. Si Caifas ang siyang nagpayo sa mga Judio na dapat na ang isang tao'y mamatay alang-alang sa bayan. Sumunod si Simon Pedro kay Jesus, at gayundin ang isa pang alagad. Sapagkat ang alagad na iyon ay kilala ng pinakapunong pari, siya ay pumasok na kasama ni Jesus sa patyo ng pinakapunong pari. Samantala, si Pedro ay nakatayo sa pintuan sa labas. Kaya't ang alagad na kilala ng pinakapunong pari ay lumabas at kinausap ang babaing tanod sa pinto, at ipinasok si Pedro. Sinabi kay Pedro ng babaing tanod sa pinto, "Hindi ba ikaw ay isa sa mga alagad ng taong ito?" Sinabi niya, "Hindi." Ang mga alipin at ang mga punong kawal ay nagpapaningas ng siga sapagkat maginaw. Sila'y nakatayo roon at nagpapainit. Si Pedro ay kasama rin nila na nakatayo at nagpapainit. Tinanong ng pinakapunong pari si Jesus tungkol sa kanyang mga alagad at sa kanyang itinuturo. Sinagot siya ni Jesus, "Ako'y hayagang nagsalita sa sanlibutan. Ako'y laging nagtuturo sa mga sinagoga at sa templo, na pinagtitipunan ng lahat ng mga Judio, at wala akong sinabi sa lihim. Bakit ako'y iyong tinatanong? Tanungin mo silang nakarinig sa akin, kung anong sinabi ko sa kanila. Ang mga ito ang nakakaalam ng mga bagay na sinabi ko." At nang kanyang masabi ito ay sinampal si Jesus ng isa sa mga punong kawal na nakatayo roon, na nagsasabi, "Ganyan ka bang sumagot sa pinakapunong pari?" Sinagot siya ni Jesus, "Kung ako'y nagsalita ng masama, patunayan mo ang kasamaan, subalit kung mabuti, bakit mo ako sinasampal?" Pagkatapos ay ipinadala siyang nakagapos ni Anas kay Caifas na pinakapunong pari. Nakatayo si Pedro na nagpapainit ng sarili. Sinabi nila sa kanya, "Hindi ba ikaw ay isa rin sa kanyang mga alagad?" Ikinaila niya ito at sinabi, "Hindi." Sinabi ng isa sa mga alipin ng pinakapunong pari, na kamag-anak ng tinagpasan ni Pedro ng tainga, "Hindi ba ikaw ang nakita kong kasama niya sa halamanan?" Muling nagkaila si Pedro at kaagad tumilaok ang isang manok. Pagkatapos ay dinala nila si Jesus mula kay Caifas hanggang sa palasyo ng gobernador. Noon ay maaga pa at sila'y hindi pumasok sa punong-himpilan, upang hindi marumihan," at upang sila'y makakain ng kordero ng paskuwa. Kaya't lumabas si Pilato at sinabi sa kanila, "Anong paratang ang dala ninyo laban sa taong ito?" Sila'y sumagot at sinabi sa kanya, "Kung ang taong ito'y hindi gumawa ng masama, ay hindi sana namin dinala sa iyo." Sinabi ni Pilato sa kanila, "Kunin ninyo siya, at siya'y inyong hatulan ayon sa inyong batas." Sinabi ng mga Judio sa kanya, "Hindi kami pinahihintulutan na ipapatay ang sinumang tao." Ito ay upang matupad ang salitang sinabi ni Jesus, nang kanyang ipahiwatig kung sa anong paraan ng kamatayan siya mamamatay. Si Pilato ay muling pumasok sa palasyo ng gobernador, at tinawag si Jesus, at sinabi sa kanya, "Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?" Sumagot si Jesus, "Sinasabi mo ba ito mula sa iyong sarili, o may ibang nagsabi sa iyo tungkol sa akin?" Si Pilato ay sumagot, "Ako ba'y Judio? Ang iyong sariling bansa at ang mga punong pari ang nagdala sa iyo sa akin. Ano bang ginawa mo?" Sumagot si Jesus, "Ang kaharian ko ay hindi mula sa sanlibutang ito. Kung ang kaharian ko ay mula sa sanlibutang ito, ang aking mga tauhan ay makikipaglaban sana upang ako'y huwag maibigay sa mga Judio; ngunit ang aking kaharian ay hindi mula rito." Sinabi sa kanya ni Pilato, "Kung gayon ikaw ay hari?" Sumagot si Jesus, "Ikaw ang nagsasabing ako'y hari. Ako'y ipinanganak dahil dito, at dahil dito ay pumarito ako sa sanlibutan, upang magpatotoo sa katotohanan. Ang bawat isang panig sa katotohanan ay nakikinig sa aking tinig." Sinabi sa kanya ni Pilato, "Ano ang katotohanan?" At nang masabi niya ito ay lumabas siyang muli sa mga Judio at sa kanila'y sinabi, "Wala akong makitang anumang kasalanan sa kanya. Ngunit kayo'y may kaugalian na maaari kong pakawalan ang isang tao para sa inyo sa Paskuwa. Gusto ba ninyong pakawalan ko para sa inyo ang Hari ng mga Judio?" Sila'y sumigaw na muli, "Hindi ang taong ito, kundi si Barabas." Si Barabas ay isang tulisan. Pagkatapos ay kinuha ni Pilato si Jesus at siya'y hinagupit. Ang mga kawal ay gumawa ng isang koronang tinik, ipinatong sa kanyang ulo, at siya'y sinuotan ng isang balabal na kulay-ube. Sila'y lumapit sa kanya, na nagsasabi, "Mabuhay ang Hari ng mga Judio!" At siya'y kanilang pinagsusuntok. Si Pilato ay muling lumabas at sa kanila'y sinabi, 'Tingnan ninyo, ilalabas ko siya sa inyo upang inyong malaman na wala akong nakitang anumang kasalanan sa kanya." Lumabas nga si Jesus, na may koronang tinik at balabal na kulay-ube. Sinabi ni Pilato sa kanila, "Narito ang tao!" Nang siya ay makita ng mga punong pari at ng mga punong kawal, sila'y nagsigawan, "Ipako siya sa krus, ipako siya sa krus!" Sinabi sa kanila ni Pilato, "Kunin ninyo siya, at ipako ninyo siya sa krus, sapagkat ako'y walang nakitang kasalanan sa kanya." Sumagot sa kanya ang mga Judio, "Kami'y mayroong isang kautusan, at ayon sa kautusang iyon ay dapat siyang mamatay, sapagkat inaangkin niya na siya ay Anak ng Diyos." Nang marinig ni Pilato ang salitang ito ay lalo siyang natakot. Siya'y muling pumasok sa palasyo ng gobernador, at sinabi kay Jesus, "Taga-saan ka?" Ngunit hindi siya sinagot ni Jesus. Kaya't sinabi sa kanya ni Pilato, "Ayaw mong makipag-usap sa akin? Hindi mo ba alam na ako'y may kapangyarihang ikaw ay pakawalan at may kapangyarihang ikaw ay ipako sa krus?" Sumagot si Jesus sa kanya, "Hindi ka magkakaroon ng anumang kapangyarihan laban sa akin malibang ito'y ibinigay sa iyo mula sa itaas. Kaya't ang nagdala sa akin sa iyo ay may mas malaking kasalanan." Mula noo'y sinikap ni Pilato na siya'y pakawalan. Ngunit ang mga Judio ay nagsisigawang, "Kung pakakawalan mo ang taong ito ay hindi ka kaibigan ni Cesar. Ang bawat nag-aangkin na siya'y hari ay nagsasalita ng laban kay Cesar." Nang marinig ni Pilato ang mga salitang ito ay inilabas niya si Jesus, at siya'y naupo sa hukuman sa dakong tinatawag na Plataporma (sa Hebreo ay Gabbatha). Noon ay Paghahanda ng Paskuwa, at noo'y mag-iikaanim na oras. Sinabi niya sa mga Judio, "Narito ang inyong Hari!" Sila'y nagsigawan, "Ilayo siya, ilayo siya, ipako siya sa krus!" Sinabi sa kanila ni Pilato, "Ipapako ko ba sa krus ang inyong Hari?" Sumagot ang mga punong pari, "Wala kaming hari liban kay Cesar." At ibinigay ni Pilato si Jesus sa kanila upang maipako sa krus. Kinuha nila si Jesus, at siya'y lumabas na pasan niya ang krus, patungo sa tinatawag na Pook ng Bungo, na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Golgota. Doon ay kanilang ipinako siya at kasama niya ang dalawa pa, isa sa bawat tagiliran, at sa gitna nila ay si Jesus. Sumulat din si Pilato ng isang pamagat, at inilagay sa itaas ng krus. At ang nakasulat ay "Jesus na Taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio." Marami sa mga Judio ang nakabasa ng pamagat na ito, sapagkat ang dakong pinagpakuan kay Jesus ay malapit sa lunsod, at ito'y isinulat sa Hebreo, sa Latin, at sa Griyego. Kaya't sinabi kay Pilato ng mga punong pari ng mga Judio, "Huwag mong isulat, Ang Hari ng mga Judio,' kundi, 'Sinasabi ng taong ito, Ako ang Hari ng mga Judio.'" Sumagot si Pilato, "Ang naisulat ko ay naisulat ko na." Nang maipako ng mga kawal si Jesus, kanilang kinuha ang kanyang mga kasuotan at hinati sa apat na bahagi, sa bawat kawal ay isang bahagi. Gayundin ang tunika, at ang tunika ay walang tahi, na hinabing buo mula sa itaas. Kaya't sinabi nila sa isa't isa, "Huwag natin itong punitin, kundi tayo'y magpalabunutan kung kanino mapupunta." Ito ay upang matupad ang kasulatan, na nagsasabi, "Pinaghatian nila ang aking mga kasuotan, at ang aking balabal ay kanilang pinagpalabunutan." Ang mga bagay na ito ay ginawa ng mga kawal. Samantala, nakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina, at ang kapatid ng kanyang ina, si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena. Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang alagad na kanyang minamahal, na nakatayong katabi niya ay sinabi niya sa kanyang ina, "Babae, narito ang iyong anak!" Pagkatapos ay sinabi niya sa alagad, "Narito ang iyong ina!" At mula noon ay dinala siya ng alagad sa kanyang sariling tahanan. Pagkatapos nito, sapagkat alam ni Jesus na ang lahat ng mga bagay ay naganap na, ay sinabi niya (upang matupad ang kasulatan), "Nauuhaw ako." Mayroon doong isang sisidlang puno ng maasim na alak, kaya't naglagay sila ng isang esponghang basa ng suka sa isang sanga ng isopo, kanilang inilagay sa kanyang bibig. Nang matanggap ni Jesus ang suka ay sinabi niya, "Natupad na." At itinungo ang kanyang ulo, at siya ay namatay. Sapagkat noo'y araw ng Paghahanda, upang maiwasan na ang mga katawan ay manatili sa krus sa araw ng Sabbath (sapagkat dakila ang araw ng Sabbath na iyon), hiniling ng mga Judio kay Pilato na baliin ang kanilang mga binti at sila'y alisin doon. Kaya't dumating ang mga kawal at binali ang binti ng una at ng isa pa na ipinako sa krus na kasama niya. Ngunit nang dumating sila kay Jesus at makitang patay na, ay hindi na nila binali ang kanyang mga binti. Subalit tinusok ng sibat ng isa sa mga kawal ang kanyang tagiliran at biglang lumabas ang dugo at tubig. Siya na nakakita nito ay nagpatotoo, at ang kanyang patotoo ay tunay, at nalalaman niya na siya'y nagsasabi ng totoo upang kayo rin ay maniwala. Sapagkat ang mga bagay na ito ay nangyari upang matupad ang kasulatan, "Kahit isa mang buto niya'y hindi mababali." At sinabi rin sa isa pang kasulatan, "Titingin sila sa kanya na kanilang tinusok ng sibat." Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Jose na taga-Arimatea, na isang lihim na alagad ni Jesus, dahil sa takot sa mga Judio, ay nakiusap kay Pilato na makuha niya ang bangkay ni Jesus, at siya'y pinahintulutan ni Pilato. Kaya't siya'y pumunta roon at kinuha ang kanyang bangkay. Dumating din si Nicodemo, na noong una ay lumapit sa kanya noong gabi, na may dalang pinaghalong mira at mga aloe, halos isandaang libra ang timbang. Kinuha nila ang bangkay ni Jesus, at binalot nila ng mga telang lino na may mga pabango, ayon sa kaugalian ng mga Judio sa paglilibing. Sa lugar ng pinagpakuan sa kanya ay may isang halamanan, at sa halamana'y may isang bagong libingan na kailanma'y hindi pa nalalagyan ng sinuman. Kaya't dahil sa Paghahanda ng mga Judio, sapagkat malapit ang libingan, ay kanilang inilagay doon si Jesus. Nang unang araw ng sanlinggo ay maagang pumunta sa libingan si Maria Magdalena, samantalang madilim pa, at nakitang ang bato ay naalis na sa libingan. Kaya't tumakbo siya at pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na minamahal ni Jesus, at sa kanila'y sinabi, "Kinuha nila sa libingan ang Panginoon, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay." Kaya't umalis si Pedro kasama ang isa pang alagad at pumunta sila sa libingan. Silang dalawa'y tumakbong magkasama, subalit ang isang alagad ay mas matuling tumakbo kaysa kay Pedro, at naunang dumating sa libingan. At siya'y yumuko upang tingnan ang loob, at nakita niyang nakalatag ang mga telang lino. Subalit hindi siya pumasok sa loob. Dumating naman si Simon Pedro na sumusunod sa kanya, pumasok siya sa libingan at nakita niyang nakalatag ang mga telang lino, at ang damit na inilagay sa kanyang ulo ay hindi kasamang nakalatag ng mga telang lino, kundi bukod na nakatiklop sa isang tabi. Pumasok din ang alagad na unang dumating sa libingan at kanyang nakita at siya'y naniwala. Sapagkat hindi pa nila nauunawaan ang kasulatan na kailangang siya'y bumangon mula sa mga patay. At ang mga alagad ay bumalik na sa kani-kanilang mga tahanan. Ngunit si Maria ay nakatayong umiiyak sa labas ng libingan. Habang umiiyak, siya'y yumuko at tumingin sa loob ng libingan, At nakita niya ang dalawang anghel na nakaputi, na nakaupo sa hinigaan ng katawan ni Jesus, ang isa'y sa ulunan, at ang isa'y sa paanan. Sinabi nila sa kanya, "Babae, bakit ka umiiyak?" Sinabi niya sa kanila, "Sapagkat kinuha nila ang aking Panginoon, at hindi ko alam kung saan nila siya inilagay." Pagkasabi nito, siya'y lumingon at nakitang nakatayo si Jesus. Subalit hindi niya alam na iyon ay si Jesus. Sinabi sa kanya ni Jesus, "Babae, bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?" Sa kanyang pag-aakalang iyon ay ang hardinero, ay sinabi niya sa kanya, "Ginoo, kung ikaw ang kumuha sa kanya ay sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay, at siya'y aking kukunin. Sinabi sa kanya ni Jesus, "Maria." Humarap siya, at sinabi sa kanya sa wikang Hebreo, "Rabboni!" (na ang ibig sabihin ay Guro). Sinabi sa kanya ni Jesus, "Huwag mo akong hawakan, sapagkat hindi pa ako nakakaakyat sa Ama. Ngunit pumunta ka sa aking mga kapatid, at sabihin mo sa kanila, 'Aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.'" Pumunta si Maria Magdalena at ibinalita sa mga alagad, "Nakita ko ang Panginoon;" at sinabi niya sa kanila na sinabi niya ang mga bagay na ito sa kanya. Nang magdadapit-hapon na ng araw na iyon, na unang araw ng linggo, habang nakasara ang mga pinto sa kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot sa mga Judio dumating si Jesus at tumayo sa gitna, at sa kanila'y sinabi, "Kapayapaan ang sumainyo." At nang masabi niya ito ay kanyang ipinakita sa kanila ang kanyang mga kamay at tagiliran. Kaya't ang mga alagad ay nagalak nang makita nila ang Panginoon. Muling sinabi sa kanila ni Jesus, "Kapayapaan ang sumainyo. Kung paanong sinugo ako ng Ama ay sinusugo ko rin naman kayo." At nang masabi niya ito, sila'y hiningahan niya, at sa kanila'y sinabi, "Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Kung inyong patawarin ang mga kasalanan ng sinuman, ang mga iyon ay ipinatatawad sa kanila. Sinumang hindi ninyo patawarin ng mga kasalanan, iyon ay hindi ipinatatawad." Ngunit si Tomas isa sa labindalawa na tinatawag na Kambal ay hindi nila kasama nang dumating si Jesus. Kaya't sinabi sa kanya ng ibang mga alagad, "Nakita namin ang Panginoon." Ngunit sinabi niya sa kanila, "Malibang makita ko sa kanyang mga kamay ang bakas ng mga pako, at mailagay ko ang aking daliri sa binutas ng mga pako, at mailagay ko ang aking kamay sa kanyang tagiliran ay hindi ako maniniwala." Pagkaraan ng walong araw ay muling nasa loob ng bahay ang kanyang mga alagad, at kasama nila si Tomas. Nakasara ang mga pinto, subalit pumasok si Jesus, at tumayo sa gitna, at sinabi, "Kapayapaan ang sumainyo." At sinabi niya kay Tomas, "Ilagay mo rito ang iyong daliri at tingnan mo ang aking mga kamay. Ilapit mo rito ang iyong kamay at ilagay mo sa aking tagiliran. Huwag kang mag-alinlangan kundi sumampalataya." Sumagot si Tomas at sinabi sa kanya, "Panginoon ko at Diyos ko!" Sinabi sa kanya ni Jesus, "Sapagkat ako'y nakita mo ay sumampalataya ka. Mapapalad ang hindi nakakita, gayunma'y sumasampalataya." Gumawa si Jesus ng marami pang ibang mga tanda sa harapan ng kanyang mga alagad, na hindi naisulat sa aklat na ito. Ngunit ang mga ito ay isinulat upang kayo'y sumampalataya na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos; at sa pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa kanyang pangalan. Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nagpakitang muli si Jesus sa mga alagad sa tabi ng dagat ng Tiberias, at siya'y nagpakita sa ganitong paraan. Magkakasama noon sina Simon Pedro, si Tomas na tinatawag na Kambal, at si Nathanael na taga-Cana ng Galilea, at ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pa sa kanyang mga alagad. Sinabi sa kanila ni Simon Pedro, "Mangingisda ako." Sinabi nila sa kanya, "Kami ay sasama rin sa iyo." Sila'y umalis at sumakay sa bangka. Nang gabing iyon ay wala silang nahuli. Ngunit nang mag-uumaga na, si Jesus ay tumayo sa tabing-dagat. Subalit hindi nakilala ng mga alagad na iyon ay si Jesus. Sinabi ni Jesus sa kanila, "Mga anak, mayroon ba kayong nahuling isda?" Sumagot sila sa kanya, "Wala." At sinabi niya sa kanila, "Ihulog ninyo ang lambat sa kanang bahagi ng bangka at mayroon kayong makikita." Inihulog nga nila, at hindi na nila ito mahila dahil sa dami ng mga isda. Kaya't ang alagad na minamahal ni Jesus ay nagsabi kay Pedro, "Ang Panginoon iyon." Kaya't nang marinig ni Simon Pedro na iyon ang Panginoon, ay nagbigkis siya ng kanyang tunika (sapagkat siya'y walang damit), at tumalon sa dagat. Subalit ang ibang alagad ay lumapit sa bangka na hila ang lambat na puno ng isda, sapagkat sila'y hindi malayo sa lupa, kundi halos siyamnapung metro ang layo. Nang sila'y makadaong sa lupa, nakakita sila roon ng mga nagbabagang uling, at may isdang nakalagay sa ibabaw, at tinapay. Sinabi sa kanila ni Jesus, "Dalhin ninyo rito ang ilang isdang nahuli ninyo ngayon." Kaya't si Simon Pedro ay sumampa sa bangka, at hinila ang lambat sa lupa na puno ng malalaking isda, na isandaan at limampu't tatlo, at kahit gayon karami ay hindi nasira ang lambat. Sinabi sa kanila ni Jesus, "Halikayo at mag-almusal." Sinuman sa mga alagad ay hindi nangahas na siya'y tanungin, "Sino ka?" yamang alam nila na iyon ay ang Panginoon. Lumapit si Jesus, dinampot ang tinapay, at ibinigay sa kanila pati ang isda. Ito nga ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga alagad, pagkatapos na siya'y bumangon mula sa mga patay. Pagkatapos nilang makapag-almusal, sinabi ni Jesus kay Simon Pedro, "Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako nang higit kaysa mga ito?" Sinabi niya sa kanya, "Opo, Panginoon, nalalaman mo na minamahal kita." Sinabi ni Jesus sa kanya, "Pakainin mo ang aking mga kordero." Sa ikalawang pagkakataon ay sinabi niya sa kanya, "Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?" Sinabi niya sa kanya, "Opo, Panginoon; nalalaman mo na minamahal kita." Sinabi niya sa kanya, “Alagaan mo ang aking mga tupa." Sinabi niya sa kanya sa ikatlong pagkakataon, "Simon, anak ni Juan, minamahal mo ba ako?" Nalungkot si Pedro sapagkat tatlong ulit nang sinabi sa kanya, "Minamahal mo ba ako?" At sinabi niya sa kanya, "Panginoon, nalalaman mo ang lahat ng mga bagay. Nalalaman mo na minamahal kita." Sinabi sa kanya ni Jesus, "Pakainin mo ang aking mga tupa. Katotohanang sinasabi ko sa iyo, nang ikaw ay bata pa, binibigkisan mo ang iyong sarili at lumalakad ka kung saan mo ibig; ngunit pagtanda mo'y iuunat mo ang iyong mga kamay, at bibigkisan ka ng iba, at dadalhin ka kung saan hindi mo ibig." Ito'y sinabi niya upang ipahiwatig kung sa anong kamatayan luluwalhatiin niya ang Diyos. At pagkatapos nito ay sinabi niya sa kanya, "Sumunod ka sa akin." Pagtalikod ni Pedro, nakita niya ang alagad na minamahal ni Jesus na sumusunod. Siya rin iyong nakahilig na malapit kay Jesus sa hapunan at nagsabi, "Panginoon, sino ang magkakanulo sa iyo?" Nang makita siya ni Pedro ay sinabi niya kay Jesus, "Panginoon, at paano naman ang taong ito?" Sinabi sa kanya ni Jesus, "Kung ibig kong siya'y manatili hanggang sa ako'y dumating ay ano nga sa iyo? Sumunod ka sa akin." Kaya't kumalat ang sabi-sabi sa mga kapatid na ang alagad na iyon ay hindi mamamatay. Subalit hindi sinabi ni Jesus sa kanya na hindi siya mamamatay, kundi, "Kung ibig kong siya'y manatili hanggang sa ako'y dumating ay ano nga sa iyo?" Ito ang alagad na nagpapatotoo sa mga bagay na ito at ang sumulat ng mga ito; at nalalaman namin na ang kanyang patotoo ay tunay. Subalit marami pa ring ibang mga bagay na ginawa si Jesus, na kung susulating isa-isa, sa palagay ko, kahit sa sanlibutan mismo ay hindi magkakasiya ang mga aklat na isusulat. O Teofilo, sa unang aklat ay isinulat ko ang tungkol sa lahat ng ginawa at itinuro ni Jesus mula sa simula, hanggang sa araw na iakyat siya sa langit pagkatapos na makapagbigay ng mga tagubilin sa pamamagitan ng Espiritu Santo sa mga apostol na kanyang hinirang. Pagkatapos na siya'y magdusa ay buhay siyang nagpakita sa kanila sa pamamagitan ng maraming mga katunayan. Nagpakita siya sa kanila sa loob ng apatnapung araw at nagsalita ng mga bagay tungkol sa kaharian ng Diyos. Habang kasalo nila, ipinagbilin niya sa kanila na huwag umalis sa Jerusalem, kundi hintayin ang pangako ng Ama. Sinabi niya, "Ito ang narinig ninyo sa akin; sapagkat si Juan ay nagbautismo sa tubig; subalit hindi na aabutin ng maraming araw mula ngayon, na kayo'y babautismuhan sa Espiritu Santo." Nang sila'y nagkakatipon, siya'y kanilang tinanong, "Panginoon, ito ba ang panahon na panunumbalikin mo ang kaharian sa Israel?" At sinabi niya sa kanila, "Hindi ukol sa inyo na malaman ang mga oras o ang mga panahon na itinakda ng Ama sa pamamagitan ng kanyang sariling awtoridad. Ngunit tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo; at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa." Pagkasabi niya ng mga bagay na ito, habang sila'y nakatingin, dinala siya sa itaas at siya'y ikinubli ng ulap sa kanilang mga paningin. Samantalang nakatitig sila sa langit at siya'y papalayo, biglang may dalawang lalaki ang tumayo sa tabi nila na may puting damit, na nagsabi, "Kayong mga lalaking taga-Galilea, bakit kayo'y nakatayong tumitingin sa langit? Itong si Jesus, na dinala sa langit mula sa inyo ay darating na gaya rin ng inyong nakitang pagpunta niya sa langit." Pagkatapos ay bumalik sila sa Jerusalem buhat sa tinatawag na bundok ng mga Olibo, malapit sa Jerusalem, na isang araw ng Sabbath lakarin. Nang sila'y makapasok sa lunsod, umakyat sila sa silid sa itaas na doon ay nakatira sina Pedro, Juan, Santiago at Andres, Felipe at Tomas, Bartolome at Mateo, si Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, at si Judas na anak ni Santiago. Sama-samang itinalaga ng lahat ng mga ito ang kanilang sarili para sa pananalangin, kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus, at ang kanyang mga kapatid. At nang mga araw na ito, tumindig si Pedro sa gitna ng mga kapatid at nagsabi (at nagkakatipon ang maraming tao, na may isandaan at dalawampu), "Mga kapatid, kailangang matupad ang kasulatan, na ipinahayag noong una ng Espiritu Santo sa pamamagitan ni David tungkol kay Judas, na siyang nanguna sa mga humuli kay Jesus. Sapagkat siya'y ibinilang sa atin at siya'y tumanggap ng kanyang bahagi sa paglilingkod na ito." (Bumili nga ang taong ito ng isang bukid mula sa kabayaran ng kanyang kasamaan; at nang bumagsak ng patiwarik ay pumutok ang kanyang tiyan, at sumambulat ang lahat ng kanyang mga lamang loob. At ito'y nahayag sa lahat ng mga naninirahan sa Jerusalem; kaya't tinawag ang bukid na iyon sa kanilang wika na Akeldama, na ang kahulugan ay, 'Ang Bukid ng Dugo.') "Sapagkat nasusulat sa aklat ng Mga Awit, 'Hayaang mawalan ng tao ang kanyang tahanan, at huwag bayaang tumira doon ang sinuman;' at, 'Hayaang kunin ng iba ang kanyang katungkulan.' Kaya't isa sa mga taong nakasama namin sa buong panahong ang Panginoong Jesus ay kasama namin, magmula sa pagbabautismo ni Juan, hanggang sa araw na siya'y iakyat sa itaas mula sa atin — isa sa mga ito'y dapat maging saksi na kasama natin sa kanyang muling pagkabuhay." Kanilang iminungkahi ang dalawa, si Jose na tinatawag na Barsabas, na tinatawag ding Justo, at si Matias. Sila'y nanalangin at nagsabi, "Panginoon, ikaw na nakakaalam ng puso ng lahat, ipakita mo kung sino sa dalawang ito ang iyong pinili, upang pumalit sa paglilingkod na ito at sa pagka-apostol na tinalikuran ni Judas, upang siya'y pumunta sa sarili niyang lugar." At sila'y nagpalabunutan para sa kanila at ang nabunot ay si Matias; at siya'y ibinilang sa labing-isang apostol. Nang dumating ang araw ng Pentecostes, silang lahat ay nagkakatipon sa isang lugar. Biglang dumating mula sa langit ang isang ugong na gaya ng isang humahagibis na hanging malakas, at pinuno nito ang buong bahay kung saan sila'y nakaupo. Sa kanila'y may nagpakitang parang mga dilang apoy na nahahati at lumapag sa bawat isa sa kanila. Silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo, at nagsimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu. Noon ay may mga naninirahan sa Jerusalem na mga relihiyosong Judio, buhat sa bawat bansa sa ilalim ng langit. Dahil sa ugong na ito ay nagkatipon ang maraming tao at nagkagulo sapagkat naririnig nila ang bawat isa na nagsasalita sa kani-kanilang sariling wika. Sila ay nagtaka, namangha at nagsabi, "Tingnan ninyo, hindi ba mga taga-Galilea ang lahat ng mga nagsasalitang ito? Paanong naririnig natin, ng bawat isa sa atin, ang ating sariling wikang kinagisnan? Ang mga Parto, at mga Medo, at mga Elamita, at mga naninirahan sa Mesopotamia, sa Judea, at sa Capadocia, sa Ponto at sa Asia, sa Frigia at Pamfilia, sa Ehipto at sa mga lupain ng Libya na sakop ng Cirene at mga panauhing taga-Roma, mga Judio, at gayundin ang mga naging Judio, mga Creteo at mga Arabe, ay naririnig nating nagsasalita sa ating mga wika tungkol sa mga makapangyarihang gawa ng Diyos." Silang lahat ay nagtaka at naguluhang sinasabi sa isa't isa, "Ano ang kahulugan nito?" Ngunit ang mga iba'y nanlilibak na nagsabi, "Sila'y lasing sa bagong alak." Ngunit si Pedro, na nakatayong kasama ng labing-isa, ay nagtaas ng kanyang tinig, at nagpahayag sa kanila, "Kayong mga kalalakihan ng Judea at kayong lahat na naninirahan sa Jerusalem, malaman sana ninyo ito, at makinig kayo sa aking sasabihin. Ang mga ito'y hindi lasing, na gaya ng inyong inaakala, sapagkat ngayo'y ikatlong oras pa lamang. Ngunit ito ay yaong ipinahayag sa pamamagitan ni propeta Joel: 'At sa mga huling araw, sabi ng Diyos, mula sa aking Espiritu ay magbubuhos ako sa lahat ng laman; at ang inyong mga anak na lalaki at mga anak na babae ay magsasalita ng propesiya, at ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain, ang inyong matatandang lalaki ay mananaginip ng mga panaginip. Maging sa aking mga aliping lalaki at mga aliping babae, sa mga araw na iyon ay magbubuhos ako mula sa aking Espiritu; at sila'y magsasalita ng propesiya. At magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit sa itaas, at mga tanda sa lupa sa ibaba, dugo, at apoy, at makapal na usok. Ang araw ay magiging kadiliman, at ang buwan ay dugo, bago dumating ang dakila at maluwalhating araw ng Panginoon. At mangyayari na ang bawat tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.' "Kayong mga Israelita, pakinggan ninyo ang mga salitang ito: Si Jesus na taga-Nazaret, isang lalaking pinatunayan ng Diyos sa inyo sa pamamagitan ng mga gawang makapangyarihan, mga kababalaghan at mga tanda na ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya sa gitna ninyo, gaya ng nalalaman ninyo — Siya, na ibinigay sa takdang pasiya at paunang kaalaman ng Diyos ay inyong ipinako sa krus at pinatay sa pamamagitan ng kamay ng mga makasalanan. Ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos, pagkatapos palayain sa mga hirap ng kamatayan, sapagkat hindi maaaring siya'y mapigilan nito. Sapagkat sinasabi ni David tungkol sa kanya, 'Nakita ko ang Panginoon na laging kasama ko, sapagkat siya'y nasa aking kanang kamay, upang huwag akong matinag; kaya't nagalak ang aking puso, at natuwa ang aking dila; gayundin ang aking katawan ay mananatiling may pag-asa. Sapagkat hindi mo hahayaan ang kaluluwa ko sa Hades, ni ipahihintulot man na ang iyong Banal ay makakita ng kabulukan. Ipinaalam mo sa akin ang mga daan ng buhay; pupuspusin mo ako ng kagalakan sa iyong harapan.' "Mga kapatid, may tiwalang masasabi ko sa inyo ang tungkol sa patriyarkang si David. Siya rin ay namatay at inilibing, at nasa atin ang kanyang libingan hanggang sa araw na ito. Yamang siya'y isang propeta at nalalaman niyang nangako ang Diyos sa kanya na ang isa sa kanyang mga inapo ay iluluklok niya sa kanyang trono. Yamang nakita niya ito bago pa mangyari, nagsalita si David tungkol sa muling pagkabuhay ng Cristo: 'Hindi siya pinabayaan sa Hades, ni ang kanya mang katawan ay nakakita ng kabulukan.' Ang Jesus na ito'y muling binuhay ng Diyos, at tungkol dito'y mga saksi kaming lahat. Kaya't yamang pinarangalan sa kanang kamay ng Diyos, at tinanggap mula sa Ama ang pangako ng Espiritu Santo, ibinuhos niya ito na pawang nakikita at naririnig ninyo. Sapagkat hindi umakyat si David sa mga langit, ngunit siya rin ang nagsabi, 'Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon; "Maupo ka sa kanan ko, hanggang sa gawin ko ang mga kaaway mo na tuntungan ng iyong mga paa."' Kaya't dapat malaman nang may katiyakan ng buong sambahayan ng Israel na ginawa siya ng Diyos na Panginoon at Cristo, itong si Jesus na inyong ipinako sa krus." Nang marinig nila ito, nasaktan ang kanilang puso at sinabi kay Pedro at sa ibang mga apostol, "Mga ginoo, mga kapatid, anong dapat naming gawin?" At sinabi sa kanila ni Pedro, "Magsisi kayo, at magpabautismo ang bawat isa sa inyo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang mapatawad ang inyong mga kasalanan; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo. Sapagkat ang pangako ay para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, bawat isa na tinatawag ng Panginoon nating Diyos sa kanya." Sa iba pang maraming salita ay nagpatotoo siya at hinimok sila na sinasabi, "Iligtas ninyo ang inyong sarili mula sa baluktot na lahing ito." Kaya't ang mga tumanggap ng kanyang salita ay binautismuhan at nadagdag nang araw na iyon ang may tatlong libong kaluluwa. Nanatili sila sa turo ng mga apostol at sa pagsasama-sama, sa pagpuputul-putol ng tinapay at sa mga pananalangin. Dumating ang takot sa bawat tao at maraming kababalaghan at tanda ang nangyari sa pamamagitan ng mga apostol. At ang lahat ng mga mananampalataya ay magkakasama at ang kanilang ari-arian ay para sa lahat. Ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian at mga kayamanan at ipinamahagi sa lahat, ayon sa pangangailangan ng bawat isa. At araw-araw, habang sila'y magkakasama sa templo, sila'y nagpuputul-putol ng tinapay sa bahay-bahay, at nagsasalu-salo na may galak at tapat na puso, na nagpupuri sa Diyos, at nagtatamo ng lugod sa lahat ng tao. At idinaragdag sa kanila ng Panginoon araw-araw ang mga naliligtas. Isang araw, sina Pedro at Juan ay pumanhik sa templo sa oras ng pananalangin, nang ikatlo ng hapon. At may isang lalaking lumpo mula pa sa pagkapanganak ang noon ay ipinapasok. Araw-araw siya'y inilalagay nila sa pintuan ng templo na tinatawag na Maganda, upang manghingi ng limos sa mga pumapasok sa templo. Nang nakita niya sina Pedro at Juan na papasok sa templo, humingi siya ng limos. Ngunit pagtitig sa kanya ni Pedro, kasama si Juan, ay sinabi, "Tingnan mo kami." Itinuon niya ang kanyang pansin sa kanila na umaasang mayroong tatanggapin mula sa kanila. Ngunit sinabi ni Pedro, "Wala akong pilak at ginto, ngunit ang nasa akin ay siya kong ibinibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret, tumayo ka at lumakad." Kanyang hinawakan siya sa kanang kamay, at siya'y itinindig at agad na lumakas ang kanyang mga paa at mga bukung-bukong. Siya'y lumukso, tumayo at nag-palakad-lakad; pumasok siya sa templo na kasama nila, lumalakad, lumulukso, at nagpupuri sa Diyos. Nakita siya ng lahat ng tao na lumalakad at nagpupuri sa Diyos. Nakilala nila na siya nga ang dating nakaupo at namamalimos sa Pintuang Maganda ng templo; at sila'y napuno ng pagtataka at pagkamangha sa nangyari sa kanya. Samantalang siya'y nakahawak kina Pedro at Juan, sama-samang nagtakbuhan sa kanila ang mga tao, na lubhang namangha, sa tinatawag na portiko ni Solomon. Nang makita ito ni Pedro, nagsalita siya sa mga tao, "Kayong mga Israelita, bakit ninyo ito ikinamamangha? Bakit ninyo kami tinititigan na para bang sa pamamagitan ng aming sariling kapangyarihan o kabanalan ay napalakad namin siya? Niluwalhati ng Diyos ni Abraham, ng Diyos ni Isaac, at ng Diyos ni Jacob, at ng Diyos ng ating mga ninuno ang kanyang lingkod na si Jesus na inyong ibinigay at inyong itinakuwil sa harap ni Pilato, bagaman siya'y nagpasiyang pawalan siya. Ngunit inyong itinakuwil ang Banal at ang Matuwid at inyong hininging ipagkaloob sa inyo ang isang mamamatay-tao, at inyong pinatay ang May-akda ng buhay, na muling binuhay ng Diyos mula sa mga patay; mga saksi kami sa bagay na ito. At sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanyang pangalan, ang kanyang pangalan ang nagpalakas sa taong ito na inyong nakikita at nakikilala. Ang pananampalataya sa pamamagitan ni Jesus ang nagkaloob sa taong ito ng ganitong sakdal na kalusugan sa harapan ninyong lahat. "At ngayon, mga kapatid, nalalaman kong ginawa ninyo iyon sa inyong kamangmangan tulad ng inyong mga pinuno. Ngunit sa ganitong paraan ay tinupad ng Diyos ang kanyang ipinahayag na mangyayari sa pamamagitan ng lahat ng mga propeta, na ang kanyang Cristo ay magdurusa. Kaya nga magsisi kayo at magbalik-loob upang mapawi ang inyong mga kasalanan, upang ang mga panahon ng kaginhawahan ay dumating mula sa harapan ng Panginoon; at upang kanyang suguin ang Cristo na itinalaga sa inyo, si Jesus. Siya'y dapat manatili sa langit hanggang sa mga panahon ng pagpapanumbalik ng lahat ng mga bagay, na sinabi ng Diyos noong una sa pamamagitan ng bibig ng kanyang mga banal na propeta. Tunay na sinabi ni Moises, 'Ang Panginoong Diyos ay pipili para sa inyo ng isang propetang gaya ko mula sa inyong mga kapatid.' Pakinggan ninyo siya sa lahat ng bagay na sabihin niya sa inyo. Ang bawat tao na hindi makinig sa propetang iyon ay lubos na pupuksain mula sa bayan..' At ang lahat ng mga propeta, mula kay Samuel at ang mga sumunod sa kanya, sa dami ng mga nagsalita, ay nagpahayag din tungkol sa mga araw na ito. Kayo ang mga anak ng mga propeta, at ng tipan na ibinigay ng Diyos sa inyong mga ninuno, na sinasabi kay Abraham, At sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng mga angkan sa lupa.' Nang piliin ng Diyos ang kanyang lingkod siya ay kanyang unang isinugo sa inyo, upang kayo'y pagpalain sa pamamagitan ng pagtalikod ng bawat isa sa inyo sa inyong mga kasamaan." Habang si Pedro at si Juan ay nagsasalita pa sa taong-bayan, lumapit sa kanila ang mga pari, ang pinuno sa templo, at ang mga Saduceo, na lubhang nayayamot sapagkat nagtuturo sila sa mga tao, at nagpapahayag na kay Jesus ay may muling pagkabuhay sa mga patay. Sila'y kanilang dinakip at ibinilanggo hanggang sa kinabukasan sapagkat noon ay gabi na. Ngunit marami sa mga nakarinig ang sumampalataya; at ang bilang nila ay mga limang libo. Nang sumunod na araw, nagtipon sa Jerusalem ang kanilang mga pinuno, ang matatanda at ang mga eskriba; at si Anas, na pinakapunong pari, si Caifas, si Juan, si Alejandro, at ang buong angkan ng pinakapunong pari. Nang kanilang mailagay na ang mga bilanggo sa gitna nila, sila ay kanilang tinanong, "Sa anong kapangyarihan, o sa anong pangalan ninyo ginawa ito?" At si Pedro na puspos ng Espiritu Santo ay sumagot sa kanila, "Kayong mga pinuno ng bayan at matatanda, kung kami sa araw na ito'y sinisiyasat dahil sa kabutihang ginawa sa isang taong may kapansanan, na tinatanong kung paano napagaling ang taong ito, dapat malaman ninyong lahat at ng buong sambahayan ng Israel, na nakatayo ang taong ito sa inyong harapan na walang sakit sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret, na inyong ipinako sa krus, at binuhay ng Diyos mula sa mga patay. Itong si Jesus, 'ang bato na itinakuwil ninyong mga tagapagtayo ang siyang naging batong panulukan.' Walang kaligtasan sa kanino pa man, sapagkat walang ibang pangalan sa ilalim ng langit na ibinigay sa mga tao na ating ikaliligtas." Nang makita nila ang katapangan nina Pedro at Juan, at nang malamang sila'y mga taong walang pinagaralan at mga karaniwan lamang, ay namangha sila at kanilang nakilala na sila'y mga kasama ni Jesus. At yamang nakikita nila ang taong pinagaling na nakatayong kasama nila ay wala silang masabing pagtutol. Kaya't kanilang inutusan sila na umalis sa kapulungan, samantalang pinag-uusapan pa nila ang pangyayari. Kanilang sinabi, "Anong gagawin natin sa mga taong ito? Sapagkat hayag sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem ang isang kapansin-pansing tanda na ginawa sa pamamagitan nila; at hindi natin ito maikakaila. Ngunit upang huwag na itong lalo pang kumalat sa bayan, atin silang bigyan ng babala na huwag na silang magsalita pa sa kaninuman sa pangalang ito." Kaya't sila'y ipinatawag nila at inutusan na sa anumang paraan ay huwag na silang magsalita ni magturo sa pangalan ni Jesus. Ngunit sumagot sa kanila si Pedro at si Juan, "Kung matuwid sa paningin ng Diyos na makinig muna sa inyo sa halip na sa Diyos, kayo ang humatol, sapagkat hindi maaaring hindi namin sabihin ang aming nakita at narinig." Pagkatapos na muling bigyan ng babala, kanilang hinayaan silang umalis na walang nakitang anumang bagay upang sila'y kanilang maparusahan dahil sa mga tao, sapagkat niluluwalhati nilang lahat ang Diyos dahil sa nangyari. Sapagkat mahigit nang apatnapung taong gulang ang tao na ginawan nitong himala ng pagpapagaling. Pagkatapos na sila'y mapalaya, pumunta sila sa kanilang mga kasamahan at iniulat ang lahat ng sinabi sa kanila ng mga punong pari at ng matatanda. Nang ito'y kanilang marinig, sama-sama silang nagtaas ng kanilang tinig sa Diyos, at nagsabi, "O Panginoon na gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng naroroon, ikaw na nagsabi sa pamamagitan ng Espiritu Santo, sa pamamagitan ng bibig ng aming amang si David, na iyong lingkod, 'Bakit nagalit ang mga Hentil, at nagbabalak ang mga tao ng mga bagay na walang kabuluhan? Ang mga hari sa lupa ay naghanda upang lumaban, at ang mga pinuno ay nagtipon, laban sa Panginoon, at laban sa kanyang Cristo.' Sapagkat sa katotohanan, sa lunsod na ito, sina Herodes at Poncio Pilato, kasama ng mga Hentil at ng bayan ng Israel, ay nagsama-sama laban sa iyong banal na Lingkod na si Jesus, na iyong pinahiran, upang gawin ang anumang itinakda ng iyong kamay at ng iyong pasiya na mangyayari. At ngayon, Panginoon, tingnan mo ang kanilang mga banta at ipagkaloob mo sa iyong mga alipin na masabi ang iyong salita ng may buong katapangan, habang iyong iniuunat ang iyong kamay upang magpagaling at ginagawa ang mga tanda at mga kababalaghan sa pamamagitan ng pangalan ng iyong banal na lingkod na si Jesus." Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang dakong pinagtitipunan nila at silang lahat ay napuno ng Espiritu Santo, at kanilang ipinahayag na may katapangan ang salita ng Diyos. Ang buong bilang ng mga sumampalataya ay may pagkakaisa sa puso at kaluluwa; sinuma'y walang nagsabing kanya ang anuman sa kanyang mga ari-arian, kundi lahat nilang pag-aari ay para sa lahat. At pinatotohanan ng mga apostol na may dakilang kapangyarihan ang pagkabuhay ng Panginoong Jesus at sumakanilang lahat ang dakilang biyaya. Walang sinumang naghihirap sa kanila sapagkat ipinagbili ng lahat ng may-ari ang kanilang mga lupa at mga bahay at dinala ang pinagbilhan ng mga ito. At inilagay nila ang mga ito sa paanan ng mga apostol at ipinamahagi sa bawat isa, ayon sa kailangan ng sinuman. Si Jose, isang Levitang tubo sa Cyprus, na tinaguriang Bernabe ng mga apostol (na ang kahulugan ay "anak ng pagpapalakas ng loob"), ay nagbili ng isang bukid na kanyang pag-aari, at dinala niya ang salapi at inilagay sa paanan ng mga apostol. Ngunit may isang lalaki na ang pangalan ay Ananias ang nagbili ng isang ari-arian, na may pagsang-ayon ng kanyang asawang si Safira. Nalalaman ng kanyang asawa na itinago niya ang ilang bahagi ng pinagbilhan at dinala ang isang bahagi lamang at inilagay sa mga paanan ng mga apostol. Sinabi ni Pedro, "Ananias, bakit napadaig ka kay Satanas at nagsinungaling ka sa Espiritu Santo, at itago ang bahagi ng pinagbilhan ng lupa? Nang ito'y hindi pa nabibili, hindi ba iyon ay nanatiling iyo? At nang maipagbili na, hindi ba nasa iyo ring kapangyarihan? Bakit inisip mo pa ang bagay na ito sa iyong puso? Hindi ka nagsinungaling sa mga tao, kundi sa Diyos." Nang marinig ni Ananias ang mga salitang ito, siya ay bumagsak at namatay. At sinidlan ng malaking takot ang lahat ng nakarinig nito. Tumindig ang mga kabinataan at siya'y binalot, at kanilang dinala siya sa labas at inilibing. Pagkatapos ng halos tatlong oras na pagitan, pumasok ang kanyang asawa na hindi nalalaman ang nangyari. Sinabi sa kanya ni Pedro, "Sabihin mo sa akin kung ipinagbili ninyo ng gayong halaga ang lupa." Sinabi niya, "Oo, sa gayong halaga." Sinabi sa kanya ni Pedro, "Bakit kayo'y nagkasundo upang subukin ang Espiritu ng Panginoon? Tingnan mo, nasa pintuan ang mga paa ng mga naglibing sa iyong asawa, at kanilang dadalhin ka sa labas." Agad siyang bumagsak sa kanyang paanan at namatay. Pumasok ang mga kabinataan at natagpuan nilang patay siya. Siya'y kanilang inilabas at inilibing sa tabi ng kanyang asawa. Sinidlan ng malaking takot ang buong iglesya, at ang lahat ng mga nakarinig ng mga bagay na ito. Sa pamamagitan ng mga apostol ay ginawa ang maraming tanda at kababalaghan sa gitna ng mga tao. Naroon silang lahat na nagkakaisa sa portiko ni Solomon. Sinuman sa kanila ay di nangahas na makisama sa kanila subalit sila'y itinataas ng mga tao. Lalo pang maraming mananampalatayang lalaki at babae ang naidagdag sa Panginoon, kaya't dinala nila sa mga lansangan ang mga maysakit, at inilagay sa mga higaan at mga banig upang sa pagdaan ni Pedro ay madaanan man lamang ng anino niya ang ilan sa kanila. Nagkatipon din ang maraming bilang ng mga tao mula sa mga bayang nasa palibot ng Jerusalem, na nagdadala ng mga maysakit, at ng mga pinahihirapan ng masasamang espiritu at silang lahat ay pinagaling. Pagkatapos ay kumilos ang pinakapunong pari at ang lahat ng mga kasama niya (na sekta ng mga Saduceo) at sila'y napuno ng inggit. Kanilang dinakip ang mga apostol at kanilang inilagay sila sa bilangguang bayan. Ngunit kinagabihan ay binuksan ng isang anghel ng Panginoon ang mga pintuan ng bilangguan, sila'y inilabas, at sinabi, "Humayo kayo, tumayo kayo sa templo at sabihin ninyo sa mga tao ang lahat ng mga salita tungkol sa buhay na ito." Nang marinig nila ito, pumasok sila sa templo nang magmamadaling-araw, at nagturo. Nang dumating ang pinakapunong pari at ang mga kasamahan niya, pinulong nila ang Sanhedrin at ang buong kapulungan ng matatanda ng mga anak ng Israel, at nagpadala ng utos sa bilangguan upang sila'y dalhin doon. Ngunit nang pumunta ang mga bantay sa bilangguan, hindi sila natagpuan doon. Bumalik sila at nagulat, na nagsasabi, "Nadatnan naming nakasusing mabuti ang bilangguan, at nakatayo sa mga pintuan ang mga bantay ngunit nang aming buksan ang mga ito ay wala kaming natagpuan sa loob." Nang marinig ng kapitan ng templo at ng mga punong pari ang mga salitang ito, naguluhan sila at nagtataka kung ano kaya ang nangyayari. At may dumating at nagsabi sa kanila, "Tingnan ninyo, ang mga lalaking ibinilanggo ninyo ay nakatayo sa templo at nagtuturo sa mga tao!" Nang magkagayo'y sumama ang kapitan sa bantay ng templo at sila'y dinala ngunit walang dahas, sapagkat natatakot na baka sila'y batuhin ng taong-bayan. Nang kanilang madala sila, pinatayo sila sa harap ng Sanhedrin. Tinanong sila ng pinakapunong pari, "Hindi ba't mahigpit naming ipinagbawal sa inyo na huwag kayong magturo sa pangalang ito, ngunit tingnan ninyo, pinuno ninyo ang Jerusalem ng inyong aral, at ibig pa ninyong iparatang sa amin ang dugo ng taong ito!" Ngunit sumagot si Pedro at ang mga apostol, "Kailangang sa Diyos kami sumunod, sa halip na sa mga tao. Ibinangon ng Diyos ng ating mga ninuno si Jesus, na inyong pinatay nang ibitin siya sa isang punung-kahoy. Siya'y itinaas ng Diyos sa kanyang kanang kamay bilang Pinuno at Tagapagligtas, upang bigyan ang Israel ng pagkakataong magsisi, at ng kapatawaran ng mga kasalanan. Kami'y mga saksi sa mga bagay na ito, gayundin ang Espiritu Santo na ibinigay ng Diyos sa mga sumusunod sa kanya." Nang marinig nila ito, sila'y napoot at ninais na sila'y patayin. Ngunit may isang Fariseo sa Sanhedrin na ang pangalan ay Gamaliel, guro ng kautusan, iginagalang ng buong bayan, ang tumindig at nag-utos na ilabas na sandali ang mga lalaki. Sinabi niya sa kanila, "Kayong mga lalaking taga-Israel, mag-ingat kayo sa inyong sarili tungkol sa inyong gagawin sa mga taong ito. Sapagkat bago pa ang mga araw na ito ay lumitaw na si Teudas, na nagsabing siya'y dakila; at sumama sa kanya ang may apatnaraang tao ang bilang, ngunit siya'y pinatay at ang lahat ng sumunod sa kanya ay nagkawatak-watak at nawalan ng kabuluhan. Pagkatapos nito ay lumitaw si Judas na taga-Galilea nang mga araw ng pagpapatala at nakaakit siya ng mga taong sumunod sa kanya; siya man ay napahamak at ang lahat ng sumunod sa kanya'y nagkawatak-watak. Ngayo'y sinasabi ko sa inyo, iwasan ninyo ang mga taong ito, at hayaan ninyo sila; sapagkat kung ang panukalang ito, o ang gawang ito ay mula sa tao, ito'y mawawasak. Ngunit kung ito'y sa Diyos, hindi ninyo sila makakayang wasakin. Baka matagpuan pa kayong nakikipaglaban sa Diyos!" Sila'y napaniwala niya. Nang maipatawag nila ang mga apostol, hinagupit sila at inutusang huwag nang magsalita sa pangalan ni Jesus, at sila'y pinalaya. Sa kanilang pag-alis sa Sanhedrin, nagalak sila na ituring na ka-rapat-dapat magtiis ng kahihiyan alang-alang sa Pangalan. Araw-araw, sa templo at sa mga bahay-bahay, hindi sila tumigil sa pagtuturo at pangangaral na si Jesus ang Cristo. Nang mga araw ngang ito, nang dumarami ang bilang ng mga alagad, nagreklamo ang mga Helenistan laban sa mga Hebreo, sapagkat ang kanilang mga babaing balo ay napapabayaan sa pang araw-araw na pamamahagi. Tinawag ng labindalawa ang buong kapulungan ng mga alagad, at sinabi, "Hindi nararapat na aming pabayaan ang salita ng Diyos, at maglingkod sa mga hapag. Kaya mga kapatid, pumili kayo sa inyo ng pitong lalaking may mabuting pagkatao, puspos ng Espiritu at ng karunungan, na aming maitatalaga sa tungkuling ito, samantalang kami, bilang aming bahagi, ay mag-uukol ng aming sarili sa pananalangin at sa paglilingkod sa salita." Nasiyahan ang buong kapulungan sa kanilang sinabi at pinili nila si Esteban, lalaking puspos ng pananampalataya at ng Espiritu Santo, kasama sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at si Nicolas na isang naging Judio na taga-Antioquia. Kanilang pinaharap sila sa mga apostol at sila'y ipinanalangin at ipinatong ang kanilang mga kamay sa kanila. Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at dumaming lubha ang bilang ng mga alagad sa Jerusalem at napakaraming pari ang sumunod sa pananampalataya. Si Esteban, na puspos ng biyaya at ng kapangyarihan ay gumawa ng mga dakilang kababalaghan at mga tanda sa mga tao. Ngunit tumayo ang ilan mula sa sinagoga, na tinatawag na Mga Pinalaya at ng mga Cireneo, at ng mga Alejandrino, at ng mga taga-Cilicia, at taga-Asia, at nakipagtalo kay Esteban. Ngunit hindi sila makasalungat sa karunungan at sa Espiritu na sa pamamagitan nito'y nagsasalita siya. Nang magkagayo'y lihim nilang sinulsulan ang ilang lalaki, na nagsasabi, "Narinig naming nagsasalita siya ng mga salitang kalapastanganan laban kay Moises at sa Diyos." Kanilang sinulsulan ang mga taong-bayan, maging ang matatanda, at ang mga eskriba. Siya'y kanilang hinarap, hinuli at dinala sa Sanhedrin. Nagharap sila ng mga sinungaling na saksi na nagsabi, "Ang taong ito'y hindi tumitigil sa pagsasalita ng mga salitang laban sa Dakong Banal na ito at sa Kautusan. Sapagkat narinig naming kanyang sinabi na wawasakin nitong si Jesus na taga-Nazaret ang dakong ito, at babaguhin ang mga kaugaliang ipinamana sa atin ni Moises." Nakita ng lahat ng nakaupo sa Sanhedrin na nakatitig sa kanya na ang kanyang mukha ay katulad ng mukha ng isang anghel. Sinabi ng pinakapunong pari, "Totoo ba ang mga bagay na ito?" At sumagot si Esteban, "Mga ginoo, mga kapatid, at mga magulang, makinig kayo. Ang Diyos ng kaluwalhatian ay nagpakita kay Abraham na ating ama noong siya'y nasa Mesopotamia, bago siya nanirahan sa Haran. Sinabi sa kanya, 'Iwan mo ang iyong lupain at ang iyong mga kamag-anak at pumunta ka sa lupaing ipapakita ko sa iyo.' Nang magkagayo'y umalis siya sa lupain ng mga Caldeo at nanirahan sa Haran. At mula roon, pagkamatay ng kanyang ama, ay inilipat siya ng Diyos sa lupain na inyong tinitirhan ngayon. Hindi siya binigyan ng anuman doon bilang mana, kahit man lamang isang hakbang na lupa. Subalit ipinangakong ibibigay iyon sa kanya bilang ari-arian niya at sa kanyang mga anak ng na susunod sa kanya bagaman wala pa siyang anak. Ganito ang sinabi ng Diyos, na ang kanyang binhi ay maninirahan sa lupain ng iba, at sila'y magiging alipin nila at aapihin nang apatnaraang taon. At ang bansang aalipin sa kanila ay aking hahatulan,' sabi ng Diyos. 'Pagkatapos ng mga bagay na ito ay lalabas sila at sasambahin nila ako sa dakong ito.' Pagkatapos ay ibinigay niya sa kanya ang tipan ng pagtutuli. Kaya't si Abraham ay naging ama ni Isaac, at ito'y tinuli nang ikawalong araw; at si Isaac ay naging ama ni Jacob, at si Jacob ng labindalawang patriyarka. "Ang mga patriyarka, dahil sa inggit kay Jose ay ipinagbili siya sa Ehipto, ngunit ang Diyos ay kasama niya. Siya'y iniligtas sa lahat ng kanyang kapighatian, at binigyan siya ng biyaya at karunungan sa harapan ng Faraon na hari ng Ehipto; at kanyang pinili siya upang mamahala sa Ehipto at sa buong bahay niya. Dumating noon ang taggutom sa buong Ehipto at sa Canaan, at nagkaroon ng malaking kahirapan, at walang matagpuang pagkain ang ating mga ninuno. Ngunit nang mabalitaan ni Jacob na may trigo sa Ehipto, sinugo niyang una ang ating mga ninuno. At sa ikalawang pagdalaw ay nagpakilala si Jose sa kanyang mga kapatid at nakilala ng Faraon ang pamilya ni Jose. Pagkatapos ay nagsugo si Jose, inanyayahan niya si Jacob na kanyang ama, at ang lahat niyang kamag-anak na pitumpu't limang katao. Kaya't nagtungo si Jacob sa Ehipto. Doon ay namatay siya at ang ating mga ninuno. Sila'y ibinalik sa Shekem at inilagay sa libingang binili ni Abraham sa halaga ng pilak mula sa mga anak ni Hamor sa Shekem. "Ngunit nang nalalapit na ang panahong ipinangako ng Diyos kay Abraham, ang ating sambayanan ay lumago at dumami sa Ehipto, hanggang sa lumitaw ang isang hari sa Ehipto na hindi nakakakilala kay Jose. Pinagsamantalahan nito ang ating bansa at pinilit ang ating mga ninuno na itapon ang kanilang mga sanggol upang mamatay ang mga iyon. Nang panahong ito, si Moises ay ipinanganak at siya'y kasiya-siya sa Diyos. Siya'y inalagaan ng tatlong buwan sa bahay ng kanyang ama. Nang siya'y itapon, inampon siya ng anak na babae ng Faraon, at siya'y inalagaang gaya ng sariling anak niya. Tinuruan si Moises sa lahat ng karunungan ng mga Ehipcio, at siya ay makapangyarihan sa kanyang mga salita at mga gawa. "Nang siya'y apatnapung taong gulang na, naisipan niyang dalawin ang kanyang mga kapatid, na mga anak ni Israel. Nang makita niya na ang isa sa kanila ay pinahihirapan, kanyang ipinagtanggol at ipinaghiganti ang inaapi sa pamamagitan ng pagpatay sa Ehipcio. Noon ay inisip niya na naunawaan ng kanyang mga kababayan na ibinigay ng Diyos sa kanila ang kaligtasan sa pamamagitan niya, ngunit hindi nila naunawaan. Nang sumunod na araw, lumapit siya sa kanila samantalang sila'y nag-aaway, at ibig sana niyang sila'y pagkasunduin, na sinasabi, 'Mga ginoo, kayo'y magkapatid; bakit kayo nag-aaway?' Ngunit itinulak siya ng nanakit sa kanyang kapwa, na sinasabi, 'Sino ang naglagay sa iyo na pinuno at hukom sa amin? Ibig mo ba akong patayin, gaya ng pagpatay mo kahapon sa Ehipcio?' Nang marinig niya ito, tumakas si Moises at naging dayuhan sa lupain ng Midian, kung saan siya'y naging ama ng dalawang lalaki. "Nang lumipas ang apatnapung taon, nagpakita sa kanya ang isang anghel sa ilang ng bundok ng Sinai, sa ningas ng apoy sa isang mababang punungkahoy. Nang makita ito ni Moises, namangha siya sa tanawin; at sa kanyang paglapit upang tingnan ay dumating ang tinig ng Panginoon: 'Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob.' Nanginig si Moises at hindi nangahas tumingin. At sinabisa kanyang Panginoon, 'Alisin mo ang mga sandalyas sa iyong mga paa sapagkat ang dakong kinatatayuan mo ay lupang banal. Totoong nakita ko ang kaapihan ng aking bayang nasa Ehipto, at narinig ko ang kanilang daing, at ako'y bumaba upang sila'y iligtas. Ngayo'y lumapit ka, susuguin kita sa Ehipto.' "Ang Moises na ito na kanilang itinakuwil, na sinasabi, 'Sino ang sa iyo'y naglagay na pinuno at hukom?' ang siyang sinugo ng Diyos na maging pinuno at tagapagligtas sa pamamagitan ng anghel na sa kanya'y nagpakita sa mababang punungkahoy. Sila'y pinangunahan ng taong ito nang siya'y gumawa ng mga kababalaghan at mga tanda sa Ehipto, at sa Dagat na Pula, at sa ilang sa loob ng apatnapung taon. Ito ang Moises, na nagsabi sa mga anak ni Israel, 'Pipili para sa inyo ang Diyos ng isang propeta mula sa inyong mga kapatid, gaya ng pagpili niya sa akin.' Ito'y yaong naroon sa kapulungan sa ilang na kasama ang anghel na nagsalita sa kanya sa Bundok ng Sinai, at kasama ang ating mga ninuno. Tumanggap siya ng mga buhay na aral upang ibigay sa atin. Ayaw sumunod sa kanya ng ating mga ninuno, kundi siya'y kanilang itinakuwil, at sa kanilang mga puso'y bumalik sila sa Ehipto, na sinasabi kay Aaron, 'Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat tungkol dito kay Moises na naglabas sa amin sa lupain ng Ehipto, ay hindi namin nalalaman kung ano ang nangyari sa kanya.' Gumawa sila nang mga araw na iyon ng isang guya, at naghandog ng alay sa diyus-diyosan at nagsaya sa mga gawa ng kanilang mga kamay. Ngunit iniwan sila ng Diyos; at sila'y pinabayaang sumamba sa hukbo ng langit, gaya ng nasusulat sa aklat ng mga propeta: 'Inalayan ba ninyo ako ng mga hayop na pinatay at mga handog, na apatnapung taon sa ilang, O angkan ni Israel? Dinala ninyo ang tabernakulo ni Moloc, at ang bituin ng diyos ninyong si Refan, ang mga larawang ginawa ninyo upang inyong sambahin; at itatapon ko kayo sa dako pa roon ng Babilonia.' "Nasa ating mga ninuno sa ilang ang tabemakulo ng patotoo, ayon sa itinakda ng nagsalita kay Moises, na kanyang gawin alinsunod sa anyo na kanyang nakita. Dinala rin ito ng ating mga ninuno na kasama ni Josue nang kanilang sakupin ang mga bansa na pinalayas ng Diyos sa harapan ng ating mga ninuno. Ito ay nanatili roon hanggang sa mga araw ni David, na nakatagpo ng biyaya sa paningin ng Diyos, at huminging makatagpo ng isang tahanang ukol sa Diyos ni Jacob. Subalit si Solomon ang nagtayo ng bahay para sa kanya. Gayunma'y ang Kataas-taasan ay hindi naninirahan sa mga bahay na gawa ng mga kamay; gaya ng sinasabi ng propeta, 'Ang langit ang aking luklukan, at ang lupa ang tuntungan ng aking mga paa. Anong uri ng bahay ang itatayo ninyo para sa akin? sabi ng Panginoon, o anong dako ang aking pahingahan? Hindi ba ang aking kamay ang gumawa ng lahat ng mga bagay na ito?' "Kayong matitigas ang ulo at hindi tuli ang puso't mga tainga, kayo'y laging sumasalungat sa Espiritu Santo. Kung ano ang ginawa ng inyong mga ninuno, ay gayundin ang ginagawa ninyo. Alin sa mga propeta ang hindi inusig ng inyong mga ninuno? Kanilang pinatay ang mga nagpahayag noong una tungkol sa pagdating ng Matuwid, at ngayon kayo'y naging kanyang mga tagapagkanulo at mamamatay-tao. Kayo ang tumanggap ng kautusan ayon sa pangangasiwa ng mga anghel, at hindi ninyo ito tinupad." Nang marinig nila ang mga bagay na ito, sila ay nagalit at nagngalit ang kanilang mga ngipin laban kay Esteban." Ngunit siya, palibhasa'y puspos ng Espiritu Santo, ay tumitig sa langit at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos, at si Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos. Sinabi niya, "Tingnan ninyo, nakikita kong bukas ang mga langit at ang Anak ng Tao na nakatindig sa kanan ng Diyos." Subalit sila'y nagtakip ng kanilang mga tainga at sumigaw nang malakas at sama-samang sinugod siya. Siya'y kanilang kinaladkad sa labas ng lunsod at pinagbabato; at inilagay ng mga saksi ang kanilang mga damit sa paanan ng isang binata na ang pangalan ay Saulo. Habang binabato nila si Esteban ay nananalangin siya, "Panginoong Jesus, tanggapin mo ang aking espiritu." Siya'y lumuhod at sumigaw ng malakas, "Panginoon, huwag mo silang papanagutin sa kasalanang ito." At pagkasabi niya nito ay namatay siya. Si Saulo ay sumang-ayon sa pagpatay sa kanya. Nang araw na iyon, nagkaroon ng malawakang pag-uusig laban sa iglesya na nasa Jerusalem; at lahat ay nagkahiwa-hiwalay sa buong lupain ng Judea at Samaria, maliban sa mga apostol. Inilibing si Esteban ng mga taong masipag sa kabanalan, at sila'y tumangis nang malakas dahil sa kanya. Ngunit winawasak ni Saulo ang iglesya sa pamamagitan ng pagpasok sa bahay-bahay, kinakaladkad ang mga lalaki't babae, at sila'y ipinapasok sa bilangguan. Ang mga nagkawatak-watak ay naglakbay na ipinangangaral ang salita. Si Felipe ay bumaba sa bayan ng Samaria at ipinangaral sa kanila ang Cristo. Ang maraming tao ay nagkakaisang nakikinig sa mga sinabi ni Felipe nang kanilang marinig siya at nakita ang mga tanda na ginawa niya. Sapagkat lumabas ang masasamang espiritu sa maraming sinapian na nagsisisigaw nang malakas; at maraming lumpo at pilay ang pinagaling. At nagkaroon ng malaking kagalakan sa lunsod na iyon. Ngunit may isang tao na ang pangalan ay Simon, na noong una ay gumagamit ng salamangka sa lunsod at pinahanga ang mga tao sa Samaria, ang nagsasabing siya'y isang dakila. Silang lahat ay nakinig sa kanya buhat sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila, na sinasabi, "Ang taong ito ang kapangyarihan ng Diyos na tinatawag na Dakila." Siya'y pinakinggan nila, sapagkat sa loob ng mahabang panahon ay kanyang pinahahanga sila ng kanyang mga salamangka. Ngunit nang naniwala sila kay Felipe na nangangaral ng mabuting balita tungkol sa kaharian ng Diyos at sa pangalan ni Jesu-Cristo, sila ay nabautismuhan, mga lalaki at mga babae. Maging si Simon mismo ay naniwala at pagkatapos mabautismuhan, nanatili siyang kasama ni Felipe. Namangha siya nang makakita ng mga tanda at ng mga dakilang himalang ginawa. Nang mabalitaan ng mga apostol na nasa Jerusalem na tinanggap ng Samaria ang salita ng Diyos, sinugo nila sa kanila sina Pedro at Juan. Ang dalawa ay bumaba at ipinanalangin sila upang kanilang tanggapin ang Espiritu Santo, sapagkat hindi pa ito dumarating sa kaninuman sa kanila, kundi sila'y nabautismuhan lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus. Ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang mga kamay sa kanila at tinanggap nila ang Espiritu Santo. Nang makita ni Simon na ibinibigay ang Espiritu sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga apostol, sila'y inalok niya ng salapi, na sinasabi, "Bigyan din ninyo ako ng kapangyarihang ito, upang sinumang patungan ko ng aking mga kamay ay tumanggap ng Espiritu Santo." Ngunit sinabi sa kanya ni Pedro, "Ang iyong salapi'y mapahamak na kasama mo, sapagkat inakala mong makukuha mo ang kaloob ng Diyos sa pamamagitan ng salapi! Wala kang bahagi ni karapatan man sa bagay na ito, sapagkat ang puso mo'y hindi matuwid sa harapan ng Diyos. Kaya't pagsisihan mo ang kasamaan mong ito. Manalangin ka sa Panginoon at baka sakaling ipatawad sa iyo ang hangarin ng iyong puso. Sapagkat nakikita kong ikaw ay nasa apdo ng kapaitan at nasa gapos ng kasamaan." Sumagot si Simon, "Ipanalangin ninyo ako sa Panginoon upang wala sa mga sinabi ninyo ang mangyari sa akin." Sina Pedro at Juan, pagkatapos na makapagpatotoo at masabi na nila ang salita ng Panginoon, ay bumalik sa Jerusalem na ipinangaral ang ebanghelyo sa maraming nayon ng mga Samaritano. Pagkatapos ay sinabi ng isang anghel ng Panginoon kay Felipe, "Tumindig ka at pumunta patungong timog, sa daang pababa mula sa Jerusalem patungong Gaza." Ito'y isang ilang na daan. At tumindig nga siya at umalis. May isang lalaking taga-Etiopia, isang eunuko at tagapamahala ni Candace na reyna ng mga taga-Etiopia. Siya ang namamahala ng buong kayamanan ng reyna. Ang eunuko ay nagpunta sa Jerusalem upang sumamba. Siya'y pabalik na at nakaupo sa kanyang karwahe, binabasa niya ang propeta Isaias. Sinabi ng Espiritu kay Felipe, "Lumapit ka at makisakay sa karwaheng ito." Kaya't tumakbo si Felipe doon, at kanyang narinig na binabasa niya si Isaias na propeta, at sinabi niya, "Nauunawaan mo ba ang binabasa mo?" Sinabi ni Felipe, "Paano nga ba, malibang may tumulong sa akin?" At kanyang inanyayahan si Felipe na umakyat at maupong kasama niya. Ang bahagi ng kasulatan na binabasa niya ay ito: "Tulad ng tupa na dinala sa katayan; at sa isang kordero na hindi umiimik sa harap ng kanyang manggugupit, gayundin hindi niya ibinubuka ang kanyang bibig. Sa kanyang pagpapakababa ay ipinagkait sa kanya ang katarungan. Sino ang makapaglalarawan sa kanyang lahi? Sapagkat inalis sa lupa ang kanyang buhay." Sinabi ng eunuko kay Felipe, "Ipinapakiusap ko, tungkol kanino sinasabi ito ng propeta, sa kanya bang sarili, o sa iba?" Nagpasimulang magsalita si Felipe, at simula sa kasulatang ito ay ipinangaral niya sa kanya ang magandang balita ni Jesus. Sa kanilang pagpapatuloy sa daan, nakarating sila sa may tubig, at sinabi ng eunuko, "Tingnan mo, narito ang tubig! Ano ang nakakahadlang upang ako'y mabautismuhan?" [At sinabi ni Felipe: Kung nananampalataya ka ng buong puso ay mangyayari. Sumagot siya at sinabi: Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ay Anak ng Diyos.] Iniutos niyang itigil ang karwahe at lumusong si Felipe at ang eunuko sa tubig. At binautismuhan siya ni Felipe. Nang umahon sila sa tubig, inagaw ng Espiritu ng Panginoon si Felipe; at hindi na siya nakita ng eunuko at nagagalak na nagpatuloy siya sa kanyang lakad. Ngunit natagpuan si Felipe sa Azotus. Sa pagdaraan ay ipinangaral niya ang ebanghelyo sa lahat ng mga bayan hanggang sa makarating siya sa Cesarea. Samantala, si Saulo na may masidhing pagbabanta ng kamatayan laban sa mga alagad ng Panginoon ay pumunta sa pinakapunong pari. Humingi siya sa pinakapunong pari ng mga sulat para sa mga sinagoga sa Damasco upang kung siya'y makatagpo ng sinumang kabilang sa Daan, mga lalaki o mga babae, ay dadalhin niya silang nakagapos sa Jerusalem. Sa kanyang paglalakbay dumating siya sa malapit sa Damasco, biglang kumislap sa palibot niya ang isang liwanag mula sa langit. Bumagsak siya sa lupa at nakarinig ng isang tinig na sa kanya'y nagsasabi, "Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?" Sinabi niya, "Sino ka, Panginoon?" At siya'y sumagot, "Ako si Jesus na iyong inuusig. Tumindig ka at pumasok sa lunsod, at sasabihin sa iyo ang dapat mong gawin." Ang mga taong naglalakbay na kasama niya ay hindi makapagsalita, sapagkat naririnig nila ang tinig ngunit walang nakikitang sinuman. Tumindig si Saulo mula sa lupa; at pagmulat ng kanyang mga mata, ay wala siyang makita; kaya't kanilang inakay siya sa kamay at ipinasok siya sa Damasco. Sa loob ng tatlong araw, siya'y walang paningin at hindi kumain ni uminom man. Noon ay may isang alagad sa Damasco na ang pangalan ay Ananias. Sinabi sa kanya ng Panginoon sa isang pangitain, "Ananias." At sinabi niya, "Narito ako, Panginoon." Sinabi sa kanya ng Panginoon, "Tumindig ka at pumunta sa lansangang tinatawag na Tuwid. Ipagtanong mo sa bahay ni Judas ang isang lalaking taga-Tarso na ang pangalan ay Saulo. Sa sandaling ito'y nananalangin siya, at nakita niya sa pangitain ang isang lalaking ang pangalan ay Ananias na pumapasok, at ipinapatong ang kanyang mga kamay sa kanya upang muli niyang tanggapin ang kanyang paningin." Ngunit sumagot si Ananias, "Panginoon, nabalitaan ko mula sa marami ang tungkol sa lalaking ito, kung gaano katindi ang kasamaang ginawa niya sa iyong mga banal sa Jerusalem; at siya'y may pahintulot mula sa mga punong pari na gapusin ang lahat ng mga tumatawag sa iyong pangalan." Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, "Pumunta ka sapagkat siya'y isang kasangkapang pinili ko upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Hentil at ng mga hari, at ng mga anak ni Israel; sapagkat ipapakita ko sa kanya kung gaano karaming bagay ang dapat niyang tiisin alang-alang sa aking pangalan." Kaya't umalis si Ananias at pumasok sa bahay. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay kay Saulo at sinabi niya, "Kapatid na Saulo, isinugo ako ng Panginoong Jesus na nagpakita sa iyo sa daan sa iyong pagpunta rito upang muli mong tanggapin ang iyong paningin, at mapuspos ka ng Espiritu Santo." Agad nalaglag mula sa kanyang mata ang bagay na parang mga kaliskis, at nakakita siyang muli. At siya'y tumayo at binautismuhan, at pagkatapos kumain ay muli siyang lumakas. Sa loob ng ilang araw ay kasama siya ng mga alagad na nasa Damasco. Agad niyang ipinangaral sa mga sinagoga si Jesus, na sinasabing siya ang Anak ng Diyos. Lahat nang nakarinig sa kanya ay namangha, at nagsabi, "Hindi ba ito ang lalaking pumuksa sa Jerusalem sa mga tumatawag sa pangalang ito? At naparito siya para sa layuning ito, upang sila'y dalhing nakagapos sa harap ng mga punong pari." Ngunit lalo pang naging makapangyarihan sa pangangaral si Saulo, at kanyang nilito ang mga Judio na naninirahan sa Damasco sa pagpapatunay na si Jesus ang Cristo. Nang makalipas ang maraming araw, nagbalak ang mga Judiong siya'y patayin. Ngunit ang kanilang balak ay nalaman ni Saulo. Kanilang binantayan ang mga pintuan araw at gabi upang siya'y patayin; ngunit nang gabi na, kinuha siya ng kanyang mga alagad, at siya'y ibinaba sa kabila ng pader; inihugos siya sa isang tiklis. Nang siya'y dumating sa Jerusalem, pinagsikapan niyang makisama sa mga alagad. Silang lahat ay natakot sa kanya sapagkat hindi sila naniniwala na siya'y isang alagad. Subalit kinuha siya ni Bernabe, iniharap siya sa mga apostol, isinalaysay sa kanila kung paanong nakita niya sa daan ang Panginoon, na nakipag-usap sa kanya, at kung paanong siya'y nangaral sa Damasco na may katapangan sa pangalan ni Jesus. Kaya't siya'y naging kasa-kasama nila sa Jerusalem, na nangangaral na may katapangan sa pangalan ng Panginoon. Siya'y nagsalita at nakipagtalo sa mga Helenista at pinagsikapan nilang siya'y patayin. Nang malaman ito ng mga kapatid, kanilang inihatid siya sa Cesarea, at siya'y pinapunta sa Tarso. Sa gayo'y nagkaroon ng kapayapaan at tumatag ang iglesya sa buong Judea, Galilea at Samaria, na namumuhay na may takot sa Panginoon at may kaaliwan ng Espiritu Santo, ito ay dumami. Sa pagdalaw ni Pedro sa lahat ng dako sa mga mananampalataya, pumunta rin siya sa mga banal na naninirahan sa Lidda. Doo'y natagpuan niya ang isang lalaki na ang pangalan ay Aeneas na lumpo at walong taon nang nakaratay. Sinabi sa kanya ni Pedro, "Aeneas, pinapagaling ka ni Jesu-Cristo; bumangon ka, at ayusin mo ang iyong higaan." Agad naman siyang bumangon. Siya'y nakita ng lahat ng mga naninirahan sa Lidda at sa Sharon, at sila'y bumaling sa Panginoon. Noon ay may isang alagad sa Joppa na ang pangalan ay Tabita, na sa Griyego ay Dorcas. Siya'y puspos ng mabubuting gawa at ng pagkakawanggawa. Nang mga araw na iyon, siya'y nagkasakit at namatay. Nang siya'y mahugasan na nila, kanilang ibinurol siya sa isang silid sa itaas. Sapagkat malapit ang Lidda sa Joppa, nang mabalitaan ng mga alagad na si Pedro ay naroroon, nagsugo sila sa kanya ng dalawang tao at ipinakiusap sa kanya, "Pumarito ka sa amin sa lalong madaling panahon." Kaagad tumayo si Pedro at sumama sa kanila. Pagdating niya, kanilang inihatid siya sa silid sa itaas. Lahat ng mga babaing balo ay nakatayo sa kanyang tabi at umiiyak, at ipinapakita ang mga kasuotan at iba pang mga damit na ginawa ni Dorcas, noong siya'y kasama pa nila. Pinalabas silang lahat ni Pedro, at pagkatapos ay lumuhod at nanalangin siya. Bumaling siya sa bangkay at kanyang sinabi, "Tabita, bumangon ka." Iminulat niya ang kanyang mga mata, at nang makita niya si Pedro ay naupo siya. Iniabot ni Pedro sa kanya ang kanyang kamay at siya'y itinindig. Pagkatapos tawagin ang mga banal at ang mga babaing balo, siya'y iniharap niyang buhay. Ito'y napabalita sa buong Joppa at marami ang nanampalataya sa Panginoon. Si Pedro ay nanatili sa loob ng maraming araw sa Joppa, na kasama ni Simon na isang tagapagluto ng balat. Sa Cesarea ay may isang lalaki na ang pangalan ay Cornelio, isang senturion ng tinatawag na pulutong Italiano; isang taong masipag sa kabanalan at may takot sa Diyos kasama ang kanyang buong sambahayan, naglilimos ng marami sa mga tao, at laging nananalangin sa Diyos. Minsan, nang may oras na ikasiyam ng araw, nakita niyang maliwanag sa isang pangitain ang isang anghel ng Diyos na dumarating at sinasabi sa kanya, "Cornelio." Siya'y tumitig sa kanya na may pagkatakot, at nagsabi, "Ano iyon, Panginoon?" Sinabi sa kanya, "Ang mga panalangin mo at ang iyong mga limos ay umakyat bilang alaala sa harapan ng Diyos. Ngayo'y magsugo ka ng mga tao sa Joppa, at ipatawag mo ang isang Simon na tinatawag na Pedro. Siya'y nanunuluyan kay Simon, isang tagapagluto ng balat, na ang bahay ay nasa tabi ng dagat." Nang umalis na ang anghel na kumausap sa kanya, tinawag niya ang dalawa sa kanyang mga alila at ang isang tapat na kawal mula sa mga naglilingkod sa kanya. Pagkatapos maisalaysay ang lahat ng mga bagay sa kanila sila'y isinugo niya sa Joppa. Nang sumunod na araw, nang may oras na ikaanim samantalang sila'y naglalakbay at malapit na sa lunsod, si Pedro ay umakyat sa itaas ng bahay upang manalangin. Siya'y nagutom at nagnais kumain; subalit samantalang inihahanda nila ito, nawalan siya ng malay at nakita niyang bumukas ang langit, at may isang bagay na bumababa, tulad ng isang malapad na kumot na ibinababa sa lupa na nakabitin sa apat na sulok. Naroroon ang lahat ng uri ng mga hayop na may apat na paa at ang mga gumagapang sa lupa at ang mga ibon sa himpapawid. Dumating sa kanya ang isang tinig, "Tumindig ka, Pedro; magkatay ka at kumain." Subalit sinabi ni Pedro, "Hindi maaari, Panginoon; sapagkat kailanma'y hindi ako kumain ng anumang bagay na marumi at karumal-dumal." Muling dumating sa kanya ang tinig sa ikalawang pagkakataon, "Ang nilinis ng Diyos ay huwag mong ituring na marumi." Ito'y nangyari ng tatlong ulit, at ang bagay ay agad binatak pataas sa langit. Samantalang naguguluhan si Pedro sa kanyang sarili, kung ano ang kahulugan ng pangitaing kanyang nakita, biglang dumating ang mga taong sinugo ni Cornelio. Nang maipagtanong ang bahay ni Simon, tumayo sila sa harapan ng pintuan. Tumawag sila upang magtanong kung si Simon, na tinatawag na Pedro, ay nanunuluyan doon. Samantalang iniisip ni Pedro ang tungkol sa pangitain, sinabi sa kanya ng Espiritu, "Tingnan mo, may tatlong taong naghahanap sa iyo. Tumindig ka, bumaba ka at sumama sa kanila na walang pag-aatubili sapagkat sila'y aking sinugo." Bumaba si Pedro at sinabi sa mga tao, "Ako ang hinahanap ninyo; ano ang dahilan ng inyong pagparito?" Sinabi nila, "Si Cornelio na isang senturion, isang taong matuwid at may takot sa Diyos, at may mabuting patotoo sa buong bansa ng mga Judio, ay pinagbilinan ng isang banal na anghel na ikaw ay ipatawag sa kanyang bahay upang marinig ang iyong mga salita." Kaya't sila'y pinatuloy niya at naging kanyang panauhin. Nang sumunod na araw, bumangon siya at umalis na kasama nila, at siya'y sinamahan ng ilang kapatid mula sa Joppa. Nang sumunod na araw ay dumating sila sa Cesarea. Sila'y hinihintay ni Cornelio, at tinipon ang kanyang mga kamag-anak at ang kanyang malalapit na kaibigan. Pagpasok ni Pedro, sinalubong siya ni Cornelio at nagpatirapa sa kanyang paanan, at siya'y sinamba. Ngunit pinatayo siya ni Pedro, na sinasabi, "Tumayo ka, ako man ay tao rin." At habang nakikipag-usap sa kanya, pumasok siya at kanyang naratnan ang maraming taong nagkakatipon. Sinabi niya sa kanila, "Nalalaman ninyo na hindi ipinahihintulot sa isang Judio na makisama o lumapit sa isang banyaga; ngunit ipinakita sa akin ng Diyos, na huwag kong tawagin ang isang tao na marumi o karumaldumal. Kaya't nang ipasundo ako, sumama ako nang walang pagtutol. Ngayon, itinatanong ko kung bakit mo ako ipinasundo." Sinabi ni Cornelio, "Apat na araw na ang nakakaraan, mga ganitong oras, nang ikasiyam na oras, ako'y nananalangin sa aking bahay nang biglang tumindig sa harapan ko ang isang lalaki na may nagniningning na damit. Sinabi niya, 'Cornelio, dininig ang dalangin mo, at ang iyong mga limos ay inalala sa harapan ng Diyos. Magsugo ka sa Joppa, at ipatawag mo si Simon, na tinatawag na Pedro. Siya'y nanunuluyan sa bahay ni Simon na tagapagluto ng balat sa tabi ng dagat.' Kaya't agad kitang ipinasundo, at mabuti ang ginawa mo na naparito ka. Ngayon kaming lahat ay naririto sa harapan ng Diyos, upang pakinggan ang lahat ng mga bagay na ipinag-utos sa iyo ng Panginoon." Nagsimulang magsalita si Pedro at kanyang sinabi, "Tunay ngang nauunawaan ko na walang kinikilingan ang Diyos, kundi sa bawat bansa ang sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid ay kalugud-lugod sa kanya. Nalalaman ninyo ang salita na kanyang ipinadala sa mga anak ni Israel, na ipinangangaral ang magandang balita ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo — siya'y Panginoon ng lahat, nalalaman ninyo na ipinahayag ang salitang iyon sa buong Judea, simula sa Galilea, pagkatapos ng bautismo na ipinangaral ni Juan: kung paanong si Jesus na taga-Nazaret ay binuhusan ng Diyos ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan; kung paanong naglibot siya na gumagawa ng mabuti, at nagpapagaling ng lahat ng mga pinahihirapan ng diyablo, sapagkat kasama niya ang Diyos. Mga saksi kami sa lahat ng mga bagay na ginawa niya sa lupain ng Judea, at sa Jerusalem. Siya'y kanila ring pinatay nang kanilang ibitin siya sa isang punungkahoy. Siya'y muling binuhay ng Diyos sa ikatlong araw, at siya'y hinayaang mahayag; hindi sa buong bayan, kundi sa amin na hinirang ng Diyos bilang mga saksi na kumain at uminom na kasalo niya, pagkatapos na siya'y mabuhay mula sa mga patay. Sa ami'y ipinagbilin niya na mangaral sa mga tao at sumaksi na siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buhay at ng mga patay. Siya ang pinatotohanan ng lahat ng mga propeta, na ang bawat sumasampalataya sa kanya ay makakatanggap ng kapatawaran sa mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan." Samantalang sinasabi pa ni Pedro ang mga salitang ito, bumaba ang Espiritu Santo sa lahat ng nakikinig ng salita. Ang mga mananampalatayang Judio' na dumating na kasama ni Pedro ay namangha sapagkat ibinuhos din maging sa mga Hentil ang kaloob ng Espiritu Santo. Sapagkat narinig nilang nagsasalita ang mga ito ng mga wika at nagpupuri sa Diyos. Nang magkagayo'y ipinahayag ni Pedro, "Maaari bang hadlangan ng sinuman ang tubig upang huwag mabautismuhan itong mga tumanggap ng Espiritu Santo na gaya naman natin?" At kanyang inutusan sila na mabautismuhan sa pangalan ni Jesu-Cristo. Pagkatapos, siya'y pinakiusapan nilang manatili ng mga ilang araw. Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid na nasa Judea na tinanggap din ng mga Hentil ang salita ng Diyos. Kaya't nang umahon si Pedro sa Jerusalem ay nakipagtalo sa kanya ang mga nasa panig ng pagtutuli, na sinasabi, "Bakit pumunta ka sa mga taong hindi tuli at kumain kang kasalo nila?" Ngunit si Pedro ay nagpasimulang magpaliwanag sa kanila nang sunud-sunod, na sinasabi: "Ako'y nananalangin sa bayan ng Joppa; habang nasa kawalan ng malay ay nakakita ako ng isang pangitain na may isang bagay na bumababa, gaya ng isang malapad na kumot, na sa apat na sulok ay inihuhugos mula sa langit at bumaba sa akin. Nang titigan ko iyon ay nakita ko ang mga hayop sa lupa na may apat na paa at mga hayop na mababangis at mga hayop na gumagapang at mga ibon sa himpapawid. Nakarinig din ako ng isang tinig na nagsasabi sa akin, Tumindig ka, Pedro; magkatay ka at kumain.' Subalit sinabi ko, 'Hindi maaari, Panginoon, sapagkat kailanman ay walang anumang marumi o karumaldumal ang pumasok kailanman sa aking bibig.' Ngunit sumagot sa ikalawang pagkakataon ang tinig mula sa langit, 'Ang nilinis ng Diyos ay huwag mong ituring na marumi.' Ito'y nangyari ng tatlong ulit, at muling binatak ang lahat ng iyon papaakyat sa langit. Nang sandaling iyon, may dumating na tatlong lalaki sa bahay na aming kinaroroonan, na mga sinugo sa akin buhat sa Cesarea. Iniutos sa akin ng Espiritu na ako'y sumama sa kanila at huwag mag-atubili. At sinamahan din ako nitong anim na kapatid; at pumasok kami sa bahay ng lalaki. Kanyang isinalaysay sa amin kung paanong nakita niya ang anghel na nakatindig sa kanyang bahay, at nagsasabi, 'Magsugo ka sa Joppa at ipatawag mo si Simon, na tinatawag na Pedro. Magsasabi siya sa iyo ng mga salitang ikaliligtas mo, ikaw at ng buong sambahayan mo.' Nang ako'y magsimulang magsalita, bumaba sa kanila ang Espiritu Santo na kung paanong bumaba rin sa atin noong una. At naalala ko ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya, 'Si Juan ay nagbautismo sa tubig, subalit kayo'y babautismuhan sa Espiritu Santo.' Kung ibinigay sa kanila ng Diyos ang gayunding kaloob na gaya naman ng kanyang ibinigay sa atin nang tayo'y nanampalataya sa Panginoong Jesu-Cristo, sino ba ako na makakahadlang sa Diyos?" Nang marinig nila ang mga bagay na ito, tumahimik sila at niluwalhati ang Diyos, na sinasabi, "Kung gayo'y binigyan din ng Diyos ang mga Hentil ng pagsisisi tungo sa buhay." Samantala, ang mga nagkawatak-watak dahil sa pag-uusig na nangyari kay Esteban ay naglakbay hanggang sa Fenicia, sa Cyprus, at sa Antioquia, na hindi sinasabi kaninuman ang salita, maliban sa mga Judio. Subalit may ilan sa kanila, mga lalaking taga-Cyprus at taga-Cirene, nang dumating sa Antioquia, ay nagsalita din sa mga Griyego, na ipinangangaral ang Panginoong Jesus. Sumasakanila ang kamay ng Panginoon at ang napakalaking bilang na sumampalataya ay nagbalik-loob sa Panginoon. Nakarating ang balita tungkol sa kanila sa mga pandinig ng iglesya na nasa Jerusalem at kanilang sinugo si Bernabe sa Antioquia. Nang siya'y dumating at nakita ang biyaya ng Diyos, ay nagalak siya at kanyang hinimok ang bawat isa upang manatili sa Panginoon na may katapatan ng puso; sapagkat siya'y mabuting lalaki at puspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya. At napakaraming tao ang idinagdag sa Panginoon. At si Bernabe ay nagtungo sa Tarso upang hanapin si Saulo. Nang siya'y kanyang matagpuan ay kanyang dinala siya sa Antioquia. At nangyari na sa buong isang taon ay nakasama nila ang iglesya, at nagturo sa napakaraming tao; at sa Antioquia ang mga alagad ay pinasimulang tawaging mga Cristiano. Nang mga araw ngang ito ay may lumusong sa Antioquia na mga propetang galing sa Jerusalem. Isa sa kanila na ang pangalan ay Agabo, ang tumayo at ipinaalam sa pamamagitan ng Espiritu na magkakaroon ng matinding taggutom sa buong sanlibutan; at ito'y nangyari sa kapanahunan ni Claudio. Ang mga alagad, ayon sa kakayahan ng bawat isa, ay nagpasiyang magpadala ng tulong sa mga kapatid na naninirahan sa Judea; at kanilang ginawa ito at ipinadala nila sa matatanda sa pamamagitan ng mga kamay nina Bernabe at Saulo. Nang panahong iyon inilapat ni Herodes ang kanyang mga kamay upang pagmalupitan ang ilan sa mga kaanib ng iglesya. Pinatay niya sa pamamagitan ng tabak si Santiago na kapatid ni Juan. Nang makita niya na ito'y ikinasiya ng mga Judio, kanya namang isinunod na dakpin si Pedro. Ito ay nang panahon ng pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Nang siya'y mahuli na niya, kanyang inilagay siya sa bilangguan at siya'y ibinigay sa apat na pangkat na mga kawal upang siya'y bantayan at binabalak na siya'y iharap sa taong-bayan pagkatapos ng Paskuwa. Habang si Pedro ay nasa bilangguan, ang iglesya ay taimtim na nanalangin sa Diyos para sa kanya. Nang gabing si Pedro ay malapit nang ilabas ni Herodes, natutulog siya sa pagitan ng dalawang kawal na nakagapos ng dalawang tanikala at ang mga bantay sa harap ng pintuan ay nagbabantay sa bilangguan. At biglang nagpakita ang isang anghel ng Panginoon at tumanglaw ang isang liwanag sa kulungan. Tinapik niya si Pedro sa tagiliran at siya'y ginising, na sinasabi, "Bumangon kang madali." At nalaglag ang mga tanikala sa kanyang mga kamay. Sinabi sa kanya ng anghel, "Magbihis ka at isuot mo ang iyong mga sandalyas." At iyon nga ang ginawa niya. At sinabi niya sa kanya, "Ibalot mo sa iyong sarili ang iyong balabal at sumunod ka sa akin." Si Pedro ay lumabas, at sumunod sa kanya. Hindi niya alam na tunay ang nangyayari sa pamamagitan ng anghel, ang akala niya'y nakakakita siya ng isang pangitain. Nang sila'y makaraan sa una at sa pangalawang bantay, dumating sila sa pintuang-bakal na patungo sa lunsod. Ito'y kusang nabuksan sa kanila, sila'y lumabas at dumaan sa isang lansangan at agad siyang iniwan ng anghel. Nang natauhan si Pedro, ay kanyang sinabi, "Ngayo'y natitiyak ko na sinugo ng Panginoon ang kanyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes at sa lahat ng inaasahan ng mga Judio." Nang kanyang mabatid ito, pumunta siya sa bahay ni Maria, ang ina ni Juan na tinatawag na Marcos, na kinaroroonan ng maraming nagkakatipon at nananalangin. Nang siya'y kumatok sa tarangkahan ay isang babaing katulong na ang pangalan ay Roda ang lumapit upang alamin kung sino ang kumakatok. Nang makilala niya ang tinig ni Pedro, sa tuwa'y hindi niya binuksan ang pintuan, kundi tumakbo sa loob at ipinagbigay-alam na nakatayo si Pedro sa harap ng pintuan. Kanilang sinabi sa kanya, "Nasisiraan ka na." Ngunit ipinilit niya na gayon nga. Ngunit kanilang sinabi, "Iyon ay kanyang anghel." Ngunit nagpatuloy si Pedro ng pagkatok at nang kanilang buksan, siya'y kanilang nakita at sila'y namangha. Sila'y sinenyasan niya ng kanyang kamay upang tumahimik at isinalaysay sa kanila kung paanong inilabas siya ng Panginoon sa bilangguan. At sinabi niya, "Ipagbigay-alam ninyo ang mga bagay na ito kay Santiago, at sa mga kapatid." At siya'y umalis at pumunta sa ibang dako. Nang mag-umaga na, malaki ang kaguluhang nangyari sa mga kawal tungkol sa kung anong nangyari kay Pedro. Nang siya'y maipahanap na ni Herodes at hindi siya natagpuan, siniyasat niya ang mga tanod at ipinag-utos na sila'y patayin. At buhat sa Judea si Pedro ay pumunta sa Cesarea, at doon nanirahan. Noon ay galit na galit si Herodes sa mga taga-Tiro at taga-Sidon. Kaya't sila'y nagkaisang pumaroon sa kanya, at nang mahikayat na nila si Blasto na katiwala ng hari, ay kanilang ipinakiusap ang pagkakasundo, sapagkat ang lupain nila'y umaasa sa lupain ng hari para sa pagkain. Sa isang takdang araw ay isinuot ni Herodes ang damit-hari at naupo sa trono, at sa kanila'y nagtalumpati. Ang taong-bayan ay nagsisigaw, "Tinig ng diyos at hindi ng tao!" Agad siyang sinaktan ng isang anghel ng Panginoon sapagkat hindi niya ibinigay ang kaluwalhatian sa Diyos. Siya'y kinain ng mga uod at namatay. Ngunit ang salita ng Diyos ay patuloy na lumago at lumaganap. At nagbalik galing sa Jerusalem sina Bernabe at Saulo nang magampanan na nila ang kanilang paglilingkod at kanilang isinama si Juan na tinatawag ding Marcos. Sa iglesya na nasa Antioquia ay may mga propeta at mga guro, si Bernabe, si Simeon na tinatawag na Niger, si Lucio na taga-Cirene, si Manaen na kinakapatid ni Herodes na tetrarka, at si Saulo. Samantalang sila'y sumasamba sa Panginoon at nag-aayuno, sinabi ng Espiritu Santo, "Ibukod ninyo para sa akin sina Bernabe at Saulo sa gawaing itinawag ko sa kanila." Nang magkagayon, nang sila'y makapag-ayuno na at makapanalangin at maipatong ang mga kamay nila sa kanila, ay kanilang pinahayo sila. Sila na isinugo ng Espiritu Santo ay pumunta sa Seleucia at buhat doo'y naglayag patungong Cyprus. Nang sila'y makarating sa Salamis, kanilang ipinangaral ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio. Kasama rin nila si Juan bilang katulong. Nang kanilang mapuntahan na ang buong pulo hanggang sa Pafos, nakatagpo sila ng isang salamangkero, isang bulaang propetang Judio, na ang pangalan ay Bar-Jesus. Kasama siya ng proconsul na si Sergio Paulo na isang lalaking matalino. Kanyang ipinatawag sina Bernabe at Saulo at nais na mapakinggan ang salita ng Diyos. Ngunit si Elimas na salamangkero (sapagkat iyon ang kahulugan ng kanyang pangalan) ay humadlang sa kanila na pinagsisikapang ilayo sa pananampalataya ang proconsul. Subalit si Saulo, na tinatawag ding Pablo, na puspos ng Espiritu Santo ay tumitig sa kanya nang mabuti, at sinabi niya, "Ikaw na anak ng diyablo, at kaaway ng lahat ng katuwiran, punung-puno ng lahat ng pandaraya at panlilinlang, hindi ka ba titigil sa pagbaluktot sa matutuwid na daan ng Panginoon? At ngayon, laban sa iyo ang kamay ng Panginoon, mabubulag ka, at hindi mo makikita ang araw ng ilang panahon." May ulap at kadiliman na agad nahulog sa kanya at siya'y lumibot na humahanap ng sa kanya'y aakay sa kamay. Nang makita ng proconsul ang nangyari, siya'y naniwala sapagkat siya'y namangha sa turo ng Panginoon. At umalis mula sa Pafos si Pablo at ang kanyang mga kasama at nakarating sa Perga sa Pamfilia. Ngunit iniwan sila ni Juan at nagbalik sa Jerusalem. Ngunit naglakbay sila mula sa Perga at nakarating sa Antioquia ng Pisidia. At nang araw ng Sabbath, sila'y pumasok sa sinagoga at umupo. Pagkatapos ng pagbasa ng kautusan at ng mga propeta, ang mga pinuno sa sinagoga ay nagpautos sa kanila na sinasabi, "Mga kapatid, kung mayroon kayong anumang salitang magpapalakas ng loob ng mga tao ay sabihin ninyo." Kaya't tumindig si Pablo at sa pagsenyas ng kanyang kamay ay nagsabi, "Mga lalaking Israelita, at kayong may takot sa Diyos, makinig kayo. Hinirang ng Diyos nitong bayang Israel ang ating mga ninuno, at ginawang dakila ang bayan nang sila'y nakipamayan sa Ehipto, at sa pamamagitan ng nakataas na bisig ay kanyang inilabas sila roon. Sa halos apatnapung taon ay kanyang pinagtiyagaan sila sa ilang. Nang mawasak na niya ang pitong bansa sa lupain ng Canaan, ibinigay niya sa kanila ang kanilang lupain bilang pamana, sa loob ng halos apatnaraan at limampung taon. Pagkatapos ng mga bagay na ito ay kanyang binigyan sila ng mga hukom hanggang kay Samuel napropeta. Pagkatapos ay humingi sila ng hari at ibinigay sa kanila ng Diyos si Saulo na anak ni Kish na isang lalaki sa lipi ni Benjamin na naghari sa loob ng apatnapung taon. Nang siya'y alisin niya, si David ay ginawang hari nila. Sa kanyang patotoo ay sinabi niya tungkol sa kanya, 'Natagpuan ko si David na anak ni Jesse, na isang lalaking kinalulugdan ng aking puso, na gagawa ng buong kalooban ko.' Mula sa binhi ng taong ito, ang Diyos ay nagkaloob ng isang Tagapagligtas sa Israel na si Jesus, gaya nang kanyang ipinangako. Bago pa siya dumating ay nangaral si Juan ng bautismo ng pagsisisi sa buong bayan ng Israel. At samantalang tinatapos ni Juan ang kanyang gawain ay sinabi niya, 'Sino ba ako sa inyong akala? Hindi ako siya. Ngunit may dumarating na kasunod ko. Hindi ako karapat-dapat na magkalag ng sandalyas ng kanyang mga paa.' "Mga kapatid, mga anak ng lahi ni Abraham, at ang mga sa inyo'y may takot sa Diyos, sa atin ipinadala ang salita ng kaligtasang ito. Sapagkat hindi nakilala ng mga naninirahan sa Jerusalem at ng mga pinuno nila si Jesus ni ang mga tinig ng mga propeta na binabasa tuwing Sabbath, tinupad nila ang mga salitang ito sa pamamagitan ng paghatol sa kanya. At kahit na hindi sila nakatagpo sa kanya ng anumang kadahilanang dapat ikamatay, gayunma'y kanilang hiningi kay Pilato na siya'y patayin. Nang matupad na nila ang lahat ng mga bagay na nasusulat tungkol sa kanya, kanilang ibinaba siya sa punungkahoy at inilagay sa isang libingan. Ngunit siya'y binuhay ng Diyos mula sa mga patay. At sa loob ng maraming mga araw ay nakita siya ng mga kasama niyang pumunta buhat sa Galilea patungo sa Jerusalem, na siyang mga saksi niya ngayon sa taong-bayan. Ipinangangaral namin sa inyo ang mabuting balita ng pangako ng Diyos sa ating mga ninuno, na ang mga bagay na ito ay tinupad din niya sa atin na kanilang mga anak, nang kanyang muling buhayin si Jesus; gaya naman ng nasusulat sa ikalawang awit, 'Ikaw ay aking Anak, sa araw na ito ay naging anak kita.' Tungkol sa pagkabuhay niya mula sa mga patay, upang hindi na magbalik sa kabulukan, ay ganito ang sinabi niya, 'Ibibigay ko sa iyo ang banal at mga maaasahang pangako kay David.' Kaya't sinasabi rin niya sa isa pang awit, 'Hindi mo hahayaan na ang iyong Banal ay makakita ng pagkabulok.' Sapagkat si David, pagkatapos niyang maglingkod ayon sa kalooban ng Diyos sa kanyang sariling salinlahi, ay namatay at isinama sa kanyang mga ninuno, at nakakita ng pagkabulok. Subalit ang binuhay ng Diyos ay hindi nakakita ng kabulukan. Kaya mga kapatid, maging hayag nawa sa inyo na sa pamamagitan ng taong ito'y ipinahahayag sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan; at sa pamamagitan niya ang bawat nananampalataya ay pinalalaya sa lahat ng bagay, kung saan hindi kayo kayang ariing-ganap ng kautusan ni Moises. Kaya nga mag-ingat kayo, baka dumating sa inyo ang sinabi ng mga propeta: 'Tingnan ninyo, mga mapanlibak! Manggilalas kayo at mapahamak; sapagkat ako'y gumagawa ng isang gawa sa inyong mga araw, isang gawang sa anumang paraa'y hindi ninyo paniniwalaan kung sabihin sa inyo ng sinuman.' " At sa pag-alis nina Pablo at Bernabe, nakiusap ang mga tao na ang mga bagay na ito ay muling sabihin sa kanila sa susunod na Sabbath. Nang matapos ang pulong sa sinagoga, marami sa mga Judio at masisipag sa kabanalan na naging Judio ay sumunod kina Pablo at Bernabe, na nagsasalita at humikayat sa kanila na magpatuloy sa biyaya ng Diyos. Nang sumunod na Sabbath ay nagtipon ang halos buong lunsod upang pakinggan ang salita ng Panginoon. Subalit nang makita ng mga Judio ang napakaraming tao, napuno sila ng inggit, nanlapastangan at sinalungat ang mga bagay na sinabi ni Pablo. At nagsalita ng buong katapangan sina Pablo at Bernabe, na nagsasabi, "Kinakailangang ipahayag muna ang salita ng Diyos sa inyo. Yamang inyong itinatakuwil ito, at hinahatulan ninyong hindi kayo karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, kami ngayon ay babaling sa mga Hentil. Sapagkat ganito ang ipinag-utos sa amin ng Panginoon, na sinasabi, 'Inilagay kitang isang ilaw sa mga Hentil, upang ikaw ay magdala ng kaligtasan hanggang sa dulo ng daigdig.'" Nang marinig ito ng mga Hentil, nagalak sila at niluwalhati ang salita ng Diyos; at sumampalataya ang lahat ng mga itinalaga sa buhay na walang hanggan. Kaya't lumaganap ang salita ng Panginoon sa buong lupain. Subalit inudyukan ng mga Judio ang mga kilalang babaing masisipag sa kabanalan at ang mga pangunahing lalaki sa lunsod, at nagsimula ng pag-uusig laban kina Pablo at Bernabe, at kanilang pinalayas sila sa kanilang mga nasasakupan. Kaya't ipinagpag nila ang alikabok ng kanilang mga paa laban sa kanila, at nagtungo sila sa Iconio. At ang mga alagad ay napuspos ng kagalakan at ng Espiritu Santo. Ang gayunding bagay ay nangyari din sa Iconio, na doon sina Pablo at Bernabe ay magkasamang pumasok sa sinagoga ng mga Judio, at nagsalita ng gayon na sumampalataya ang marami sa mga Judio at sa mga Griyego. Ngunit inudyukan ng mga hindi nananampalatayang Judio ang mga Hentil, at nilason ang kanilang isipan laban sa mga kapatid. Kaya't nanatili sila ng mahabang panahon na nagsasalita ng buong katapangan para sa Panginoon, na nagpapatotoo sa salita ng kanyang biyaya sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga tanda at mga kababalaghan na gawin ng kanilang mga kamay. Ngunit nagkabahabahagi ang mga taong-bayan sa lunsod. Ang iba ay pumanig sa mga Judio, at ang iba ay sa mga apostol. Nang magtangka ang mga Hentil at ang mga Judio, kasama ang kanilang mga pinuno, upang sila'y saktan at batuhin, nalaman ito ng mga apostol at sila'y tumakas patungo sa Listra at Derbe, na mga lunsod ng Licaonia at sa palibot na lupain, at doon nila ipinangaral ang magandang balita. Sa Listra ay may isang lalaking nakaupo, na walang lakas ang mga paa at kailanma'y hindi makalakad sapagkat pilay na siya mula nang ipanganak. Nakinig siya sa pagsasalita ni Pablo. Nang titigan siya ni Pablo at makitang mayroon siyang pananampalataya upang mapagaling, ay sinabi niya sa malakas na tinig, "Tumindig ka nang matuwid sa iyong mga paa." At ang lalaki ay lumukso at nagpalakad-lakad. Nang makita ng maraming tao ang ginawa ni Pablo, nagsigawan sila na sinasabi sa wikang Licaonia, "Ang mga diyos ay bumaba sa atin sa anyo ng mga tao!" Tinawag nilang Zeus si Bernabe at Hermes si Pablo, sapagkat siya ang pangunahing tagapagsalita. Ang pari ni Zeus na ang templo ay nasa harap ng lunsod ay nagdala ng mga baka at mga putong na bulaklak sa mga pintuang-daan, at ibig maghandog kasama ng napakaraming tao. Ngunit nang marinig ito ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang mga damit at tumakbo sa gitna ng karamihan, na sumisigaw, "Mga ginoo, bakit ninyo ginagawa ang mga bagay na ito? Kami'y mga tao rin na gaya ninyo, nagdadala kami ng magandang balita sa inyo upang mula sa walang kabuluhang mga bagay na ito ay bumaling kayo sa Diyos na buhay, na siyang gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat, at ng lahat ng nasa mga iyon. Noong nakaraang mga panahon ay hinayaan niya ang lahat ng mga bansa na lumakad sa kanilang mga sariling daan. Gayunman ay hindi niya hinayaang mawalan siya ng saksi sa paggawa ng mabuti — na nagbigay sa inyo ng ulan mula sa langit at ng masasaganang panahon, at pinupuno kayo ng pagkain at ang inyong mga puso ng kagalakan." Maging sa pamamagitan ng mga pananalitang ito ay bahagya na nilang napigil ang mga tao sa paghahandog sa kanila. Ngunit dumating doon ang mga Judiong buhat sa Antioquia at Iconio; at nang mahikayat nila ang maraming tao, kanilang pinagbabato si Pablo at kanilang kinaladkad siya sa labas ng lunsod, na inaakalang siya'y patay na. Ngunit nang paligiran siya ng mga alagad, tumayo siya at pumasok sa lunsod. Kinabukasan, umalis siya kasama ni Bernabe patungo sa Derbe. Nang maipangaral na nila ang ebanghelyo sa lunsod na iyon, at ginawang mga alagad ang marami, nagbalik sila sa Listra, sa Iconio, at sa Antioquia, na pinapalakas ang mga kaluluwa ng mga alagad, at pinapatatag ang loob nila na manatili pa sa pananampalataya, at sinasabi na sa pamamagitan ng maraming mga kapighatian ay kailangang pumasok tayo sa kaharian ng Diyos. Nang makapagtalaga na sila ng matatanda para sa kanila sa bawat iglesya, matapos manalangin na may pag-aayuno, ay kanilang ipinagtagubilin sila sa Panginoon na kanilang sinampalatayanan. At sila'y dumaan sa Pisidia at nagtungo sa Pamfilia. Nang maipahayag na nila ang salita sa Perga ay lumusong sila sa Atalia; at buhat doon ay naglayag sila patungong Antioquia. Doon ay itinagubilin sila sa biyaya ng Diyos dahil sa gawaing kanilang natapos na. Nang sila'y dumating, tinipon nila ang iglesya at iniulat ang lahat ng mga bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at kung paanong binuksan niya para sa mga Hentil ang pinto ng pananampalataya. Nanatili sila roon na kasama ang mga alagad nang mahaba-habang panahon. May ilang tao ang dumating mula sa Judea na nagtuturo sa mga kapatid, "Maliban na kayo'y tuliin ayon sa kaugalian ni Moises, hindi kayo maliligtas." Pagkatapos na magkaroon sina Pablo at Bernabe ng hindi maliit na pakikipagtalo at pakikipagsalungatan sa kanila, sina Pablo at Bernabe, at ang ilan sa iba pa ay inatasang pumunta sa Jerusalem, upang talakayin ang suliraning ito sa mga apostol at sa matatanda. Kaya't isinugo sila ng iglesya sa kanilang paglalakbay, at pagdaan nila sa Fenicia at Samaria, iniulat nila ang pagbabagong-loob ng mga Hentil at sila'y nakapagbigay ng malaking kagalakan sa lahat ng mga kapatid. Nang sila'y makarating sa Jerusalem, tinanggap sila ng iglesya at ng mga apostol at ng matatanda, at iniulat nila ang lahat ng bagay na ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila. Subalit ang ilang mananampalataya na kasapi sa sekta ng mga Fariseo ay tumayo at nagsabi, "Kailangang sila'y tuliin at utusang sundin ang kautusan ni Moises." Nagtipon ang mga apostol at ang matatanda upang pag-usapan ang bagay na ito. Pagkatapos ng maraming talakayan, tumindig si Pedro at sinabi sa kanila, "Mga ginoo, mga kapatid, nalalaman ninyo na noong mga unang araw ay pumili ang Diyos sa inyo, na sa pamamagitan ng aking bibig ay mapakinggan ng mga Hentil ang salita ng ebanghelyo, at sila'y manampalataya. At ang Diyos na nakakaalam ng puso ng tao ay nagpatotoo sa kanila sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng Espiritu Santo tulad nang nangyari sa atin; at tayo'y hindi niya itinangi sa kanila, kundi nilinis ang kanilang mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya. Kaya ngayon, bakit ninyo sinusubok ang Diyos sa pamamagitan ng paglalagay ng pamatok sa batok ng mga alagad na kahit ang ating mga ninuno ni tayo ay hindi nakayang dalhin? Ngunit naniniwala tayo na maliligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya ng Panginoong Jesus, na tulad naman nila." Tumahimik ang buong kapulungan at kanilang pinakinggan sina Bernabe at Pablo na isinasalaysay ang mga tanda at mga kababalaghang ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila sa gitna ng mga Hentil. Nang matapos na silang magsalita ay sumagot si Santiago, "Mga kapatid, pakinggan ninyo ako. Ipinaliwanag na ni Simeon kung paanong unang dinalaw ng Diyos ang mga Hentil, upang kumuha sa kanila ng isang bayan para sa kanyang pangalan. At dito'y sumasang-ayon ang mga salita ng mga propeta, tulad ng nasusulat, 'Pagkatapos ng mga bagay na ito, ako'y babalik, at muli kong itatayo ang tolda ni David na bumagsak; muli kong itatatag ang guho nito, at ito'y aking itatayo: upang hanapin ng nalabi sa mga tao ang Panginoon, at ng lahat ng mga Hentil na tinatawag sa aking pangalan, sabi ng Panginoon na nagpakilala ng mga bagay na ito mula ng una.' Kaya't ang hatol ko ay huwag nating gambalain ang mga Hentil na nagbabalik-loob sa Diyos. Sa halip ay sumulat tayo sa kanila, na sila'y lumayo sa mga bagay na pinarumi ng diyus-diyosan at pakikiapid, at sa anumang bagay na binigti, at sa dugo. Sapagkat mula sa mga unang salin-lahi, si Moises ay mayroon sa bawat lunsod na nangangaral tungkol sa kanya, dahil binabasa siya nang malakas tuwing Sabbath sa mga sinagoga." Nang magkagayo'y minabuti ng mga apostol at ng matatanda, pati ng buong iglesya, na pumili ng kalalakihan mula sa kanilang bilang at isugo sa Antioquia na kasama nina Pablo at Bernabe. Isinugo nila si Judas na tinatawag na Barsabas, at si Silas, na mga nangungunang lalaki sa mga kapatid, at isinulat sa pamamagitan ng kamay nila: "Ang mga apostol at ang matatanda, ang mga kapatid, sa mga kapatid na nasa mga Hentil sa Antioquia at Siria at Cilicia, ay bumabati. Yamang aming nabalitaan na ang ilang tao mula sa amin ay nagsabi ng mga bagay upang bagabagin kayo at ginugulo ang inyong mga isip gayong hindi namin sila binigyan ng tagubilin, ay may pagkakaisa naming ipinasiya na humirang ng mga lalaki at isugo sila sa inyo na kasama ng aming mga minamahal na sina Bernabe at Pablo, na mga lalaking nagsuong ng kanilang mga buhay sa panganib alang-alang sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Kaya't isinugo namin sina Judas at Silas na magsasabi sa inyo ng gayunding mga bagay sa pamamagitan ng salita ng bibig. Sapagkat minabuti ng Espiritu Santo at namin na huwag kayong pagpasanin ng higit na mabigat na pasanin maliban sa mga bagay na ito na kailangan: na kayo'y umiwas sa mga bagay na inihandog sa mga diyus-diyosan, sa dugo, sa mga binigti, at sa pakikiapid. Kung kayo'y iiwas sa mga bagay na ito ay ikabubuti ninyo. Paalam." Kaya't nang sila'y makaalis na, pumunta sila sa Antioquia. Nang matipon na nila ang kapulungan ay kanilang ibinigay ang sulat. Nang ito'y kanilang mabasa, sila ay nagalak sa pangaral. Sina Judas at Silas, na mga propeta rin naman, ay nagsalita ng marami upang pasiglahin at palakasin ang mga kapatid. Pagkatapos na sila'y manatili roon ng ilang panahon, sila'y payapang pinabalik ng mga kapatid sa mga nagsugo sa kanila. [Ngunit minabuti ni Silas ang manatili roon.] Ngunit nanatili sina Pablo at Bernabe sa Antioquia, na itinuturo at ipinangangaral ang salita ng Panginoon na kasama rin ang marami pang iba. Makaraan ang ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe, "Balikan natin at dalawin ang mga kapatid sa bawat bayang pinangaralan natin ng salita ng Panginoon, at tingnan natin kung ano ang kalagayan nila." Nais ni Bernabe na kanilang isama si Juan, na tinatawag na Marcos. Ngunit minabuti ni Pablo na huwag isama ang humiwalay sa kanila mula sa Pamfilia at hindi sumama sa kanila sa gawain. At nagkaroon ng mainitang pagtatalo, anupa't sila'y naghiwalay, at isinama ni Bernabe si Marcos, at naglayag patungong Cyprus. Ngunit pinili ni Pablo si Silas, at sila'y umalis na ipinagtagubilin ng mga kapatid sa biyaya ng Panginoon. Siya'y dumaan sa Siria at Cilicia at pinalakas ang mga iglesya. Nakarating si Pablo sa Derbe at sa Listra. Naroon ang isang alagad na ang pangalan ay Timoteo, na anak ng isang babaing Judio na mananampalataya, ngunit Griyego ang kanyang ama. Maganda ang patotoo tungkol sa kanya ng mga kapatid sa Listra at Iconio. Nais ni Pablo na sumama sa kanya si Timoteo; at nang kanyang kunin siya ay kanyang tinuli dahil sa mga Judio na nasa mga lugar na iyon sapagkat nalalaman ng lahat na ang kanyang ama ay isang Griyego. At sa kanilang paglalakbay sa mga bayan-bayan, kanilang dinadala sa kanila ang mga utos na napagpasiyahan ng mga apostol at ng matatanda sa Jerusalem. Kaya't ang mga iglesya ay lumakas sa pananampalataya at nadagdagan ang kanilang bilang araw-araw. At naglakbay sila sa lupain ng Frigia at Galacia, dahil pinagbawalan sila ng Espiritu Santo na ipangaral ang salita sa Asia. Nang sila'y dumating sa tapat ng Misia, ay pinagsikapan nilang makapasok sa Bitinia ngunit hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Jesus. At paglampas nila sa Misia ay nagtungo sila sa Troas. Nang gabing iyon ay lumitaw ang isang pangitain kay Pablo: may isang lalaking taga-Macedonia na nakatayo at nakikiusap sa kanya na sinasabi, "Tumawid ka patungo sa Macedonia, at tulungan mo kami." At pagkakita niya sa pangitain, sinikap naming pumunta agad sa Macedonia, na naniniwalang kami'y tinawag ng Diyos upang ipangaral ang magandang balita sa kanila. Kaya't pagtulak mula sa Troas, tumuloy kami sa Samotracia, at nang sumunod na araw ay sa Neapolis; at mula roo'y sa Filipos, na pangunahing lunsod sa distrito ng Macedonia, at ito'y sakop ng Roma. Kami ay tumigil sa lunsod na ito ng ilang araw. At sa araw ng Sabbath ay pumunta kami sa labas ng pinruan sa may tabi ng ilog na sa palagay namin ay may dakong panalanginan, at kami'y umupo, at nakipag-usap sa mga babaing nagtitipon doon. At nakinig sa amin ang isang babaing ang pangalan ay Lydia na sumasamba sa Diyos. Siya'y mula sa lunsod ng Tiatira at isang mangangalakal ng mga telang kulay-ube. Binuksan ng Panginoon ang kanyang puso upang makinig na mabuti sa mga bagay na sinasabi ni Pablo. Nang siya'y mabautismuhan na, kasama ang kanyang sambahayan, ay nakiusap siya sa amin, na sinasabi, "Kung inyong hinatulan na ako'y tapat sa Panginoon, tumuloy kayo sa aking bahay, at doon tumigil." At kami'y napilit niya. Samantalang papunta kami sa dakong panalanginan, sinalubong kami ng isang aliping batang babae na may espiritu ng panghuhula at nagdadala ng maraming pakinabang sa kanyang mga amo sa pamamagitan ng panghuhula. Siya'y sumusunod kay Pablo at sa amin, na sumisigaw, "Ang mga taong ito ay mga alipin ng Kataas-taasang Diyos, na nagpapahayag sa inyo ng daan ng kaligtasan." At ginawa niya ito sa loob ng maraming araw. Ngunit nang mabagabag na si Pablo ay lumingon siya at sinabi sa espiritu, "Iniuutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesu-Cristo na lumabas ka sa kanya." At ito ay lumabas nang oras ding iyon. Ngunit nang makita ng kanyang mga amo na wala na ang inaasahan nilang pakinabang ay hinuli nila sina Pablo at Silas, at kinaladkad sila sa pamilihan, sa harapan ng mga pinuno. Nang maiharap na sila sa mga hukom, ay sinabi nila, "Ang mga taong ito ay mga Judio, at ginugulo nila ang ating lunsod. Nagtuturo sila ng mga kaugaliang hindi ipinahihintulot sa ating mga Romano na tanggapin at gawin." Ang maraming tao ay sama-samang tumindig laban sa kanila; at pinunit ng mga hukom ang mga damit nina Pablo at Silas, at ipinag-utos na hagupitin sila. Nang sila'y mahagupit na nila nang maraming ulit, itinapon sila sa bilangguan, at pinagbilinan ang tanod ng bilangguan na sila'y bantayang mabuti. Nang kanyang matanggap ang utos na ito, kanyang ipinasok sila sa kaloob-looban ng bilangguan at ikinabit ang kanilang mga paa sa mga panggapos. Ngunit nang maghahating-gabi na, sina Pablo at Silas ay nananalangin at umaawit ng mga himno sa Diyos, at sila'y pinapakinggan ng mga bilanggo. At biglang nagkaroon ng isang malakas na lindol, anupa't ang mga pundasyon ng bilangguan ay nayanig, agad na nabuksan ang lahat ng mga pinto, at nakalag ang mga tanikala ng bawat isa. Nang magising ang bantay ng bilangguan at makitang bukas ang mga pinto ng bilangguan, binunot niya ang kanyang tabak at magpapakamatay na sana dahil sa pag-aakalang nakatakas ang mga bilanggo. Ngunit sumigaw si Pablo nang malakas, "Huwag mong saktan ang iyong sarili, sapagkat naririto kaming lahat." At ang bantay ay humingi ng mga ilaw at tumakbo sa loob, at nanginginig sa takot na nagpatirapa sa harapan nina Pablo at Silas. Nang sila'y mailabas ay sinabi niya, "Mga ginoo, ano ang kailangan kong gawin upang maligtas?" At kanilang sinabi, "Manampalataya ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan." Ipinangaral nila sa kanya ang salita ng Panginoon at sa lahat ng nasa kanyang bahay. Sila'y kanyang kinuha nang oras ding iyon ng gabi, at hinugasan ang kanilang mga sugat, at agad siyang binautismuhan, pati ang buo niyang sambahayan. Sila'y kanyang pinapanhik sa kanyang bahay at hinainan sila ng pagkain. Siya at ang kanyang buong sambahayan ay nagalak na sumampalataya siya sa Diyos. Kinaumagahan, ang mga hukom ay nagsugo ng mga kawal, na nagsasabi, "Pakawalan mo ang mga taong iyon." At iniulat ng bantay ng bilangguan kay Pablo ang mga salitang ito, na sinasabi, "Ipinag-utos ng mga hukom na kayo'y pakawalan; kaya't ngayon ay lumabas kayo at humayo nang payapa." Subalit sinabi sa kanila ni Pablo, "Pinalo nila kami sa harap ng bayan, na hindi nahatulan, mga lalaking Romano, at kami'y itinapon sa bilangguan at ngayo'y lihim na kami'y pawawalan nila? Hindi maaari! Hayaan silang pumarito at kami'y pakawalan." Iniulat ng mga kawal ang mga salitang ito sa hukom at sila'y natakot nang kanilang marinig na sila'y mga mamamayang Romano; kaya sila'y dumating at humingi sa kanila ng paumanhin. At sila'y kanilang inilabas at hiniling sa kanila na lisanin ang lunsod. Nang sila'y makalabas sa bilangguan, pumunta sila kay Lydia; at nang makita nila ang mga kapatid, ay kanilang inaliw sila, pagkatapos ay umalis. Nang makaraan na sina Pablo at Silas sa Amfipolis at sa Apolonia ay nakarating sila sa Tesalonica, kung saan ay may isang sinagoga ng mga Judio. At si Pablo ay pumasok ayon sa kanyang kaugalian, at sa loob ng tatlong Sabbath ay nangatuwiran sa kanila mula sa mga kasulatan, na ipinapaliwanag at pinatutunayan na kailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay mula sa mga patay; at sinasabi, "Itong Jesus na aking ipinangangaral sa inyo ay siyang Cristo." Nahikayat ang ilan sa kanila at sumama kina Pablo at kay Silas, gayundin ang napakaraming mga Griyegong masisipag sa kabanalan, at hindi kakaunting mga pangunahing babae. Subalit dahil sa inggit, ang mga Judio ay nagsama ng ilang masasamang tao mula sa pamilihan at nang makapagtipon sila ng maraming tao ay ginulo nila ang lunsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason, sa kagustuhang maiharap sina Pablo at Silas sa mga tao. Nang sila'y hindi nila natagpuan, kanilang kinaladkad si Jason at ang ilang kapatid sa harap ng mga pinuno ng lunsod, na ipinagsisigawan, "Ang mga taong ito na nanggugulo ay dumating din dito; at tinanggap sila ni Jason. Lahat sila ay kumikilos laban sa mga utos ni Cesar, at sinasabi nilang may ibang hari na ang pangalan ay Jesus." Ang napakaraming tao at ang mga pinuno ng lunsod ay naligalig nang kanilang marinig ang mga bagay na ito. Nang sila'y makakuha ng piyansa mula kay Jason at sa iba pa, ay kanilang pinakawalan sila. Nang gabing iyon ay agad na pinaalis ng mga kapatid sina Pablo at Silas patungo sa Berea. Nang dumating sila roon, pumasok sila sa sinagoga ng mga Judio. Ngayon ang mga ito ay higit na mararangal kaysa mga taga-Tesalonica, sapagkat tinanggap nila ang salita ng buong pananabik na sinisiyasat araw-araw ang mga kasulatan kung tunay nga ang mga bagay na ito. Kaya marami sa kanila ang nanampalataya, kasama ang maraming babaing Griyego at mga pangunahing lalaki. Subalit nang malaman ng mga Judiong taga-Tesalonica na ang salita ng Diyos ay ipinangaral din ni Pablo sa Berea, sila ay nagpunta rin doon upang guluhin at sulsulan ang maraming tao. At agad na isinugo ng mga kapatid si Pablo paalis hanggang sa dagat, ngunit nanatili roon sina Silas at Timoteo. Si Pablo ay dinala ng mga naghatid sa kanya hanggang sa Atenas; at nang matanggap na nila ang utos upang sina Silas at Timoteo ay sumama sa kanya sa lalong madaling panahon, siya'y kanila nang iniwan. Sa Atenas Samantalang sila'y hinihintay ni Pablo sa Atenas, siya ay labis na nanlumo nang makita niya na ang lunsod ay puno ng mga diyus-diyosan. Kaya't sa sinagoga ay nakipagtalo siya sa mga Judio at sa mga taong masisipag sa kabanalan, at sa pamilihan sa araw-araw sa mga nagkataong naroroon. Ilan sa mga pilosopong Epicureo at Estoico ay nakipagtalo rin sa kanya. At sinabi ng ilan, "Anong nais sabihin ng madaldal na ito?" Sinabi ng iba, "Parang siya'y isang tagapagbalita ng mga ibang diyos" — sapagkat ipinangangaral niya si Jesus at ang pagkabuhay. Siya'y kinuha nila at dinala sa Areopago, at tinanong, "Maaari ba naming malaman kung ano itong bagong aral na sinasabi mo? Sapagkat naghahatid ka ng mga kakaibang bagay sa aming mga tainga; kaya't ibig naming malaman kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito." Lahat ng mga taga-Atenas at ang mga dayuhang naninirahan doon ay walang pinaggugulan ng panahon kundi ang mag-usap o makinig ng mga bagong bagay. Kaya't tumindig si Pablo sa gitna ng Areopago, at sinabi, "Mga lalaking taga-Atenas, napapansin ko na sa lahat ng bagay kayo'y lubhang relihiyoso. Sapagkat sa aking pagdaraan, at sa pagmamasid ng mga bagay na inyong sinasamba, ay nakatagpo din naman ako ng isang dambana na may sulat na ganito, 'SA ISANG DI KILALANG DIYOS.' Kaya't ang sinasamba ninyo na hindi kilala ay siyang ipahahayag ko sa inyo. Ang Diyos na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto, siya na Panginoon ng langit at ng lupa, ay hindi tumitira sa mga templong ginawa ng tao; ni hindi rin naman siya pinaglilingkuran ng mga kamay ng tao, na para bang mayroon siyang kailangan, yamang siya ang nagbibigay sa lahat ng tao ng buhay at ng hininga, at ng lahat ng bagay na ito. Nilikha niya mula sa isa ang bawat bansa ng mga tao upang manirahan sa ibabaw ng buong lupa. Itinakda niya ang mga panahon at mga hangganan ng kanilang titirhan, upang kanilang hanapin ang Diyos, baka sakaling siya'y mahagilap nila at siya'y matagpuan, bagaman hindi siya malayo sa bawat isa sa atin. Sapagkat sa kanya tayo'y nabubuhay, at kumikilos, at nasa kanya ang ating pagkatao; tulad ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata, 'Sapagkat tayo rin ay kanyang supling.' Yamang tayo'y supling ng Diyos, hindi marapat na ating isipin na ang pagka-Diyos ay katulad ng ginto, o ng pilak, o ng bato, na inanyuan ng husay at kaisipan ng tao. Ang mga panahon ng kahangalan ay pinalampas na nga ng Diyos; ngunit ngayo'y ipinag-uutos niya sa lahat ng tao sa lahat ng dako na magsisi, sapagkat itinakda niya ang isang araw kung kailan niya hahatulan ang sanlibutan ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking kanyang itinalaga, at tungkol dito'y binigyan niya ng katiyakan ang lahat ng tao, nang kanyang muling buhayin siya mula sa mga patay." Nang kanilang marinig ang tungkol sa pagkabuhay ng mga patay, ay nangutya ang ilan; ngunit sinabi ng iba, "Pakikinggan ka naming muli tungkol dito." Sa gayo'y umalis si Pablo sa gitna nila. Subalit sumama sa kanya ang ilang mga tao at nanampalataya. Isa sa kanila si Dionisio na taga-Areopago, at ang isang babaing ang pangalan ay Damaris at iba pang mga kasama nila. Pagkatapos ng mga bagay na ito, umalis si Pablo sa Atenas, at pumunta sa Corinto. Natagpuan niya roon ang isang Judio na ang pangalan ay Aquila, isang lalaking tubong Ponto, na kararating pa lamang mula sa Italia, kasama si Priscila na kanyang asawa, sapagkat ipinag-utos ni Claudio na ang lahat ng Judio ay umalis sa Roma. Pumunta si Pablo sa kanila; at dahil ang hanapbuhay niya'y tulad din ng kanila, tumuloy siya sa kanila, at sila'y magkakasamang nagtrabaho — parehong paggawa ng tolda ang hanapbuhay nila. At siya'y nakikipagtalo tuwing Sabbath sa sinagoga at sinisikap na mahikayat ang mga Judio at mga Griyego. Nang sina Silas at Timoteo ay dumating mula sa Macedonia, si Pablo ay naging abala sa pangangaral at pinatotohanan sa mga Judio na ang Cristo ay si Jesus. Nang sila'y tumutol at lapastanganin siya, ipinagpag niya ang kanyang kasuotan at sa kanila'y sinabi, "Ang inyong dugo'y sumainyong sariling mga ulo! Ako'y malinis. Mula ngayon, pupunta ako sa mga Hentil." Siya'y umalis doon at pumasok sa bahay ng isang lalaking ang pangalan ay Tito Justo, na sumasamba sa Diyos; ang kanyang bahay ay katabi ng sinagoga. At si Crispo, ang pinuno sa sinagoga ay nanampalataya sa Panginoon, kasama ang kanyang buong sambahayan; at marami sa mga taga-Corinto dahil sa pakikinig kay Pablo ay nanampalataya at nabautismuhan. Isang gabi, sinabi ng Panginoon kay Pablo sa isang pangitain, "Huwag kang matakot, kundi magsalita ka, at huwag kang tumahimik; sapagkat ako'y kasama mo, at walang taong gagalaw sa iyo upang saktan ka; sapagkat marami akong tao sa lunsod na ito." At siya'y nanatili roon ng isang taon at anim na buwan, na itinuturo sa kanila ang salita ng Diyos. Subalit nang si Galio ay proconsul ng Acaia, ang mga Judio ay nagkaisang dakpin si Pablo at siya'y dinala sa harapan ng hukuman. Kanilang sinabi, "Hinihikayat ng taong ito ang mga tao na sumamba sa Diyos laban sa kautusan." Ngunit nang magsasalita na si Pablo ay sinabi ni Galio sa mga Judio, "Kung ito'y tungkol sa masamang gawa o mabigat na kasalanan, ay may dahilan akong pagtiisan kayong mga Judio, ngunit yamang ito ay usapin tungkol sa mga salita at mga pangalan at sa inyong sariling kautusan, kayo na ang bahala rito; wala akong hangad na maging hukom sa mga bagay na ito." At sila'y pinaalis niya sa hukuman. Sinunggaban nilang lahat si Sostenes, ang pinuno sa sinagoga, at siya'y binugbog sa harapan ng hukuman. Ngunit hindi pinansin ni Galio ang mga bagay na ito. Ngunit si Pablo ay nanatili pa ng ilang araw, pagkatapos ay nagpaalam na sa mga kapatid, at buhat doo'y naglakbay patungo sa Siria, at kasama niya sina Priscila at Aquila. Inahit niya ang kanyang buhok sa Cencrea, sapagkat siya'y may panata. Pagdating nila sa Efeso sila'y iniwan niya roon; ngunit pumasok muna siya sa sinagoga at nakipagtalo sa mga Judio. Nang siya'y pinakiusapan nila na tumigil pa roon ng mas mahabang panahon, ay hindi siya pumayag, kundi nang siya'y nagpaalam sa kanila, ay sinabi, "Babalik uli ako sa inyo kung loloobin ng Diyos." At siya'y naglakbay buhat sa Efeso. Nang dumaong na siya sa Cesarea, siya'y pumunta sa Jerusalem at bumati sa iglesya, at pagkatapos ay nagtungo sa Antioquia. Pagkatapos gumugol ng ilang panahon doon, umalis siya at nagpalipat-lipat sa mga lupain ng Galacia at Frigia, na pinapalakas ang lahat ng mga alagad. Dumating noon sa Efeso ang isang Judio na ang pangalan ay Apolos, na tubong Alejandria. Siya ay mahusay magsalita at dalubhasa sa mga kasulatan. Ang taong ito'y tinuruan sa Daan ng Panginoon; at palibhasa'y may maalab na espiritu, nagsalita siya at nagturo nang wasto tungkol kay Jesus, bagaman ang nalalaman lamang niya ay ang bautismo ni Juan. At siya'y nagsimulang magsalita ng buong tapang sa sinagoga, ngunit nang siya'y marinig nina Priscila at Aquila ay kanilang isinama siya at ipinaliwanag sa kanya nang mas matuwid ang Daan ng Diyos. Nang ibig niyang lumipat sa Acaia, pinalakas ng mga kapatid ang kanyang loob at sinulatan nila ang mga alagad na siya'y tanggapin. Nang siya'y dumating, kanyang lubos na tinulungan ang mga taong sa pamamagitan ng biyaya ay sumampalataya. Sapagkat may kapangyarihan niyang dinaig nang hayagan ang mga Judio, ipinapakita niya sa pamamagitan ng mga kasulatan na ang Cristo ay si Jesus. Samantalang si Apolos ay nasa Corinto, si Pablo ay dumaan sa mga dakong loob ng lupain at nakarating sa Efeso. Doon ay nakatagpo siya ng ilang mga alagad. At sinabi niya sa kanila, "Tinanggap ba ninyo ang Espiritu Santo nang kayo'y nanampalataya?" Sinabi nila, "Hindi, ni hindi pa namin narinig na may Espiritu Santo." Kaya't sinabi niya, "Kung gayo'y sa ano kayo binautismuhan?" Sinabi nila, "Sa bautismo ni Juan." Sinabi ni Pablo, "Nagbautismo si Juan ng bautismo ng pagsisisi, na sinasabi sa mga tao na sila'y manampalataya sa darating na kasunod niya, samakatuwid ay kay Jesus." Nang kanilang marinig ito, sila'y binautismuhan sa pangalan ng Panginoong Jesus. Nang maipatong na ni Pablo sa kanila ang kanyang mga kamay, bumaba sa kanila ang Espiritu Santo at sila'y nagsalita ng mga wika at nagpropesiya. Silang lahat ay may labindalawang lalaki. Siya'y pumasok sa sinagoga, at sa loob ng tatlong buwan ay nagsalita ng may katapangan, na nangangatuwiran at nanghihikayat tungkol sa mga bagay na nauukol sa kaharian ng Diyos. Ngunit nang magmatigas ang ilan at ayaw maniwala, na nagsasalita ng masama tungkol sa Daan sa harapan ng kapulungan, kanyang iniwan sila at isinama ang mga alagad, at nakipagtalo araw-araw sa bulwagan ni Tiranno. At ito'y nagpatuloy sa loob ng dalawang taon, kaya't ang lahat ng mga naninirahan sa Asia ay nakarinig ng salita ng Panginoon, ang mga Judio at gayundin ang mga Griyego. Gumawa ang Diyos ng mga di pangkaraniwang himala sa pamamagitan ng mga kamay ni Pablo, kaya't nang ang mga panyo o mga tapis na napadikit sa kanyang katawan ay dinala sa mga maysakit, nawala sa kanila ang mga sakit, at lumabas sa kanila ang masasamang espiritu. Ngunit may ilang mga Judiong pagala-gala na nagpapalayas ng masasamang espiritu ang nangahas na bigkasin ang pangalan ng Panginoong Jesus sa mga may masasamang espiritu, na sinasabi, "Inuutusan ko kayo sa pamamagitan ni Jesus na ipinangangaral ni Pablo." Pitong anak na lalaki ng isang pinakapunong paring Judio, na ang pangalan ay Eskeva, ang gumagawa nito. Ngunit sinagot sila ng masamang espiritu, "Kilala ko si Jesus, at kilala ko si Pablo; ngunit sino kayo?" At ang taong kinaroroonan ng masamang espiritu ay lumukso sa kanila, at silang lahat ay dinaig niya, kaya tumakas sila sa bahay na iyon na mga hubad at sugatan. Nalaman ito ng lahat ng naninirahan sa Efeso, mga Judio at gayundin ng mga Griyego; at sinidlan silang lahat ng takot, at pinuri ang pangalan ng Panginoong Jesus. Marami rin naman sa mga nanampalataya ang dumating na ipinahahayag at ibinubunyag ang kanilang mga gawain. Marami sa mga gumagamit ng mga salamangka ay tinipon ang kanilang mga aklat at sinunog sa paningin ng madia; at kanilang binilang ang halaga niyon, at napag-alamang may limampung libong pirasong pilak. Sa gayo'y lumago at lubos nananaig ang salita ng Panginoon. Pagkatapos mangyari ang mga bagay na ito, ipinasiya ni Pablo sa Espiritu, na dumaan sa Macedonia at sa Acaia, at pumaroon sa Jerusalem, na sinasabi, "Pagkapanggaling ko roon, ay kinakailangang makita ko rin ang Roma." Isinugo niya sa Macedonia ang dalawa sa naglilingkod sa kanya, sina Timoteo at Erasto, samantalang siya ay tumigil nang ilang panahon sa Asia. Nang panahong iyon ay nagkaroon ng malaking gulo tungkol sa Daan. Sapagkat may isang tao na ang pangalan ay Demetrio, isang panday-pilak na gumagawa ng mga dambanang pilak ni Artemis, ay nagbibigay ng hindi maliit na pinagkakakitaan sa mga panday. Ang mga ito ay kanyang tinipon pati ang mga manggagawa ng mga gayong hanapbuhay, at sinabi, "Mga ginoo, alam ninyo na mula sa gawaing ito ay mayroon tayong pakinabang. Inyo ring nakikita at naririnig na hindi lamang sa Efeso, kundi halos sa buong Asia, na ang Pablong ito ay nakaakit at naglayo ng napakaraming tao, na sinasabing hindi mga diyos ang ginagawa ng mga kamay. At may panganib na hindi lamang mawalan ng dangal ang hanapbuhay nating ito, kundi ang templo ng dakilang diyosang si Artemis ay mawalan din ng halaga. At siya ay maaari pang matanggal sa kanyang kadakilaan, siya na sinasamba ng buong Asia at ng sanlibutan." Nang marinig nila ito ay napuno sila ng galit at nagsigawan, "Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!" Napuno ng kaguluhan ang lunsod at sama-sama nilang nilusob ang tanghalan, at sinunggaban sina Gayo at Aristarco, mga taga-Macedonia, na kasama ni Pablo sa paglalakbay. Nais ni Pablo na pumunta sa mga tao ngunit hindi siya pinayagan ng mga alagad. Maging ang ilan sa mga pinuno sa Asia, na kanyang mga kaibigan, ay nagpasugo sa kanya at siya'y pinakiusapang huwag mangahas sa tanghalan. Samantala, ang iba ay sumisigaw ng isang bagay, at ang ilan ay iba naman, sapagkat ang kapulungan ay nasa kaguluhan at hindi nalalaman ng karamihan kung bakit sila'y nagkakatipon. Ilan sa maraming tao ang nag-udyok kay Alejandro at pinapunta ng mga Judio sa unahan. At sumenyas si Alejandro na nais niyang ipagtanggol ang sarili sa mga taong-bayan. Ngunit nang makilala nila na siya'y isang Judio, sa loob ng halos dalawang oras silang lahat ay nagsigawan na may isang tinig, "Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!" Nang mapatahimik na ng kalihim ng bayan ang maraming tao, ay kanyang sinabi, "Mga lalaking taga-Efeso, sino sa mga tao ang hindi nakakaalam na ang lunsod ng mga taga-Efeso ay tagapag-ingat ng templo ng dakilang Artemis, at ng banal na batong nahulog mula sa langit? Yamang hindi maikakaila ang mga bagay na ito, dapat kayong huminahon at huwag gumawa ng anumang bagay na padalus-dalos. Dinala ninyo rito ang mga taong ito, na hindi mga magnanakaw sa templo ni mga lumalapastangan man sa ating diyosa. Kaya't kung si Demetrio at ang mga panday na kasama niya ay mayroong reklamo laban sa kanino man, bukas ang mga hukuman, at may mga proconsul; hayaan ninyong doon magharap ng reklamo ang isa't isa. Ngunit kung may iba pang bagay kayong hinahangad, ito ay lulutasin sa karaniwang kapulungan. Sapagkat nanganganib tayong maparatangang nanggugulo sa araw na ito, palibhasa'y wala tayong maibibigay na dahilan upang bigyang katuwiran ang gulong ito." Nang masabi na niya ang mga bagay na ito, pinaalis niya ang kapulungan. Pagkatapos na tumigil ang kaguluhan, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad at pagkatapos na mapangaralan sila ay nagpaalam sa kanila, at umalis patungo sal Macedonia. Nang malakbay na niya ang mga lupaing ito, at mapalakas ang loob nila sa pamamagitan ng maraming salita ay nagtungo siya sa Grecia. Doon ay nanatili siya ng tatlong buwan. Nang siya'y maglalakbay na patungong Siria, nagkaroon ng masamang balak ang mga Judio, kaya't ipinasiya niyang bumalik na dumaan sa Macedonia. Siya'y sinamahan ni Sopatro na taga-Berea, na anak ni Pirro; ng mga taga-Tesalonica na sina Aristarco at Segundo, ni Gayo na taga-Derbe, at ni Timoteo, at ng taga-Asia na sina Tiquico at Trofimo. Nauna ang mga ito at hinintay kami sa Troas, ngunit naglakbay kami mula sa Filipos pagkaraan ng mga araw ng Tinapay na Walang Pampaalsa, at sa loob ng limang araw ay dumating kami sa kanila sa Troas, kung saan kami tumigil ng pitong araw. Nang unang araw ng sanlinggo, nang kami ay nagtitipon upang magputul-putol ng tinapay, si Pablo ay nagsalita sa kanila; yamang nagbabalak siya na umalis kinabukasan, nagpatuloy siya sa pagsasalita hanggang hatinggabi. Maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagtipunan namin. At may isang binata na ang pangalan ay Eutico na nakaupo sa bintana. Nakatulog siya nang mahimbing samantalang si Pablo ay nagsasalita nang mahaba; at dahil natalo ng antok ay nahulog siya mula sa ikatlong palapag, at siya'y patay na binuhat. Ngunit nanaog si Pablo, dumapa sa ibabaw niya, at siya'y niyakap na sinabi, "Huwag kayong mabahala sapagkat nasa kanya ang kanyang buhay." Nang si Pablo ay makapanhik na at makapagputul-putol na ng tinapay at makakain na, nakipag-usap siya sa kanila nang matagal hanggang sa sumikat ang araw, pagkatapos siya'y umalis na. Kanilang dinalang buhay ang binata, at lubusan silang naaliw. Ngunit nang nauna kami sa barko, naglakbay kami patungo sa Asos, na mula roon ay binabalak naming isama si Pablo, sapagkat gayon ang kanyang ipinasiya, na binalak niyang sa lupa maglakbay. Nang salubungin niya kami sa Asos, siya'y isinama namin, at nakarating kami sa Mitilene. Sa paglalakbay namin mula roon, dumating kami nang sumunod na araw sa tapat ng Chios. Nang sumunod na araw ay tumawid kami patungong Samos, at nakarating kami sa Mileto nang sumunod na araw. Ipinasiya ni Pablo na lampasan ang Efeso, upang huwag na siyang gumugol ng panahon sa Asia; sapagkat siya'y nagmamadali na makarating sa Jerusalem, kung maaari ay sa araw ng Pentecostes. Mula sa Mileto ay nagpasugo siya sa Efeso at ipinatawag ang matatanda ng iglesya. Nang sila'y makarating sa kanya, ay sinabi niya sa kanila, "Nalalaman ninyo kung paanong namuhay akong kasama ninyo sa buong panahon mula sa unang araw na ako'y tumuntong sa Asia, na naglilingkod sa Panginoon ng buong kapakumbabaan at may luha, at may mga pagsubok na dumating sa akin dahil sa mga pagtatangka ng mga Judio. Hindi ko ipinagkait na ipahayag sa inyo ang anumang bagay na kapaki-pakinabang, at hayag na nagtuturo sa inyo, at sa mga bahay-bahay, na nagpapatotoo sa mga Judio at gayundin sa mga Griyego tungkol sa pagsisisi tungo sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesu-Cristo. At ngayon, bilang bihag sa Espiritu ay patungo ako sa Jerusalem, na hindi nalalaman ang mga bagay na mangyayari sa akin doon; maliban na ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo sa akin sa bawat lunsod, na sinasabing ang mga tanikala at ang kapighatian ay naghihintay sa akin. Ngunit hindi ko itinuturing ang aking buhay na mahalaga sa aking sarili, upang maganap ko lamang ang aking katungkulan at ang ministeryong tinanggap ko sa Panginoong Jesus, na magpatotoo sa magandang balita ng biyaya ng Diyos. 'At ngayon, nalalaman ko na kayong lahat na aking nilibot na pinapangaralan ng kaharian, ay hindi na muling makikita pa ang aking mukha. Kaya nga pinatototohanan ko sa inyo sa araw na ito, na ako'y walang pananagutan sa dugo ng sinuman sa inyo, sapagkat hindi ko ipinagkait na ipahayag sa inyo ang buong kapasiyahan ng Diyos. Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan. Sa kanila'y inilagay kayo ng Espiritu Santo na mga tagapangasiwa upang pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos na binili niya ng kanyang sariling dugo. Alam ko na pag-alis ko ay papasok sa kalagitnaan ninyo ang mababangis na asong-gubat na walang patawad sa kawan; at lilitaw mula sa inyo na ring kasamahan ang mga taong magsasalita ng mga bagay na lihis, upang akitin ang mga alagad na sumunod sa kanila. Kaya't kayo'y maging handa at alalahanin ninyo na sa loob ng tatlong taon ay hindi ako tumigil sa gabi at araw ng pagbibigay-babala na may pagluha sa bawat isa. Ngayo'y ipinagkakatiwala ko kayo sa Diyos, at sa salita ng kanyang biyaya, na makapagpapatibay sa inyo at makapagbibigay sa inyo ng mana na kasama ng lahat na mga ginawang banal. Hindi ko pinag-imbutan ang pilak, o ang ginto, o ang damit ninuman. Kayo mismo ang nakakaalam na ang mga kamay na ito ay naglingkod sa aking mga pangangailangan at sa mga kasama ko. Sa lahat ng bagay ay ipinakita ko sa inyo na sa ganitong paggawa ay dapat tulungan ang mahihina, at alalahanin ang mga salita ng Panginoong Jesus, na siya mismo ang nagsabi, 'Higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap.'" Pagkatapos niyang magsalita ay lumuhod siya at nanalanging kasama nilang lahat. At silang lahat ay nag-iyakan, niyakap si Pablo at siya'y hinagkan, na ikinalulungkot higit sa lahat ang salitang sinabi niya, na siya'y hindi na nila makikita pang muli. Pagkatapos ay kanilang inihatid siya sa barko. Nang kami'y humiwalay sa kanila at naglakbay, tuluy-tuloy na tinungo namin ang Cos at nang sumunod na araw ay ang Rodas, at buhat doon ay ang Patara. Nang aming matagpuan ang isang barko na daraan sa Fenicia, sumakay kami at naglakbay. Natanaw namin ang Cyprus sa dakong kaliwa; at naglakbay kami hanggang sa Siria at dumaong sa Tiro, sapagkat ibinaba roon ng barko ang mga karga nito. Hinanap namin doon ang mga alagad at tumigil kami roon ng pitong araw. Sa pamamagitan ng Espiritu ay sinabi nila kay Pablo na huwag siyang pumunta sa Jerusalem. At nang matapos na ang aming mga araw doon, umalis kami at nagpatuloy sa aming paglalakbay, at silang lahat, kasama ang mga asawa at mga anak, ay inihatid kami sa aming patutunguhan hanggang sa labas ng bayan. Pagkatapos naming lumuhod sa baybayin at nanalangin, kami ay nagpaalam sa isa't isa. Pagkatapos, lumulan na kami sa barko at sila'y umuwi na sa kanilang mga bahay. Nang aming matapos na ang paglalakbay buhat sa Tiro, duma ting kami sa Tolemaida; at binati namin ang mga kapatid at kami'y nanatiling kasama nila ng isang araw. Kinabukasan, lumabas kami at dumating sa Cesarea; at pumasok kami sa bahay ni Felipe na ebanghelista, na isa sa pito, at nanatili kaming kasama niya. Siya ay may apat na anak na dalaga na nagsasalita ng propesiya. Habang naroon kami ng ilang araw, isang propeta na ang pangalan ay Agabo ang dumating mula sa Judea. Paglapit sa amin, kinuha niya ang sinturon ni Pablo, at ginapos niya ang kanyang sariling mga paa't kamay, at sinabi, "Ganito ang sinasabi ng Espiritu Santo, 'Ganito gagapusin ng mga Judio sa Jerusalem ang lalaking may-ari ng sinturong ito, at siya'y kanilang ibibigay sa mga kamay ng mga Hentil.'" Nang marinig namin ang mga bagay na ito, kami at pati ang mga tagaroon ay nakiusap sa kanya na huwag nang umahon patungo sa Jerusalem. Kaya't sumagot si Pablo, "Anong ginagawa ninyo, nag-iiyakan kayo at dinudurog ang aking puso? Handa ako na hindi lamang gapusin, kundi mamatay rin naman sa Jerusalem dahil sa pangalan ng Panginoong Jesus." Nang hindi siya mahimok, tumigil kami, na nagsasabi, "Hayaang mangyari ang kalooban ng Panginoon." At pagkaraan ng mga araw na ito, naghanda kami at umahon patungo sa Jerusalem. Sumama sa amin ang ilang alagad mula sa Cesarea at dinala kami sa bahay ni Mnason, na taga-Cyprus, isa sa mga naunang alagad, na sa kanya kami manunuluyan. Nang makarating kami sa Jerusalem, masaya kaming tinanggap ng mga kapatid. Nang sumunod na araw, sumama si Pablo sa amin kay Santiago; at ang lahat ng matatanda ay naroroon. Pagkatapos niyang batiin sila, isa-isang isinalaysay niya sa kanila ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan ng kanyang ministeryo. Nang kanilang marinig iyon, pinuri nila ang Diyos. At sinabi nila sa kanya, "Nakikita mo, kapatid, kung ilang libo sa mga Judio ang sumampalataya; at silang lahat ay pawang masisigasig sa kautusan. Nabalitaan nila ang tungkol sa iyo na itinuturo mo raw sa lahat ng mga Judio na kasama ng mga Hentil na talikdan si Moises, at sinasabi sa kanila na huwag tuliin ang kanilang mga anak ni sumunod sa mga kaugalian. Ano nga ba ang dapat gawin? Tiyak na kanilang mababalitaang dumating ka. Kaya't gawin mo ang sinasabi namin sa iyo. Mayroon kaming apat na lalaki na may panata sa kanilang sarili. Sumama ka sa mga lalaking ito, isagawa ninyo ang seremonya ng paglilinis at ipagbayad mo sila para maahit ang kanilang mga ulo. At malalaman ng lahat na walang katotohanan ang mga bagay na kanilang nabalitaan tungkol sa iyo kundi ikaw mismo ay sumasang-ayon sa pagtupad sa kautusan. Ngunit tungkol sa mga Hentil na naging mga mananampalataya na, kami ay nagpadala na ng liham na aming ipinasiyang umiwas sila sa mga inihandog sa mga diyus-diyosan, sa dugo, sa hayop na binigti, at sa pakikiapid." Nang magkagayo'y isinama ni Pablo ang mga lalaking iyon. Nang sumunod na araw, pagkatapos malinis ang kanyang sarili, pumasok siya sa templo upang ipahayag kung kailan magaganap ang mga araw ng paglilinis, at ang pag-aalay ng handog para sa bawat isa sa kanila. Nang halos matapos na ang pitong araw, ang mga Judiong taga-Asia, nang makita siya sa templo, ay inudyukan ang maraming tao at siya'y kanilang dinakip, na isinisigaw, "Mga lalaking taga-Israel, tumulong kayo! Ito ang taong nagtuturo sa mga tao sa lahat ng dako laban sa sambayanan, sa kautusan, at sa dakong ito; at bukod pa rito'y nagdala rin siya ng mga Griyego sa templo, at dinungisan ang banal na lugar na ito." Sapagkat nakita nila noong una na kasama niya sa lunsod si Trofimo na taga-Efeso, at iniisip nilang ipinasok siya ni Pablo sa templo. At ang buong lunsod ay nagkagulo at ang mga tao'y sama-samang nagtakbuhan. Kanilang hinuli si Pablo, siya'y kinaladkad palabas sa templo at agad isinara ang mga pinto. Samantalang sinisikap nilang patayin siya, dumating ang balita sa pinunong kapitan ng mga kawal na ang buong Jerusalem ay nagkakagulo. Nagsama siya kaagad ng mga kawal at mga senturion, at tumakbo sa kanila. Nang kanilang makita ang pinunong kapitan at ang mga kawal ay tumigil sila sa pagbugbog kay Pablo. Pagkatapos nito, lumapit ang pinunong kapitan, dinakip siya at ipinagapos ng dalawang tanikala. Itinanong kung sino siya, at kung ano ang ginawa niya. Ang ilan sa maraming tao ay sumigaw ng isang bagay, ang ilan ay iba naman; at nang hindi niya maunawaan ang totoong nangyari dahil sa kaguluhan, ay iniutos niyang dalhin siya sa himpilan. Nang dumating si Pablo sa hagdanan, siya'y binuhat na ng mga kawal dahil sa karahasan ng napakaraming tao. Ang maraming tao na sumunod sa kanya ay patuloy na sumisigaw, "Alisin siya!" Nang ipapasok na si Pablo sa himpilan, ay sinabi niya sa pinunong kapitan, "Maaari ba akong makipag-usap sa iyo?" At sinabi ng pinunong kapitan,! "Marunong ka ba ng Griyego? Kung gayon, hindi ikaw ang Ehipcio, na nag-udyok ng paghihimagsik nang mga nakaraang araw at nagdala sa apat na libong mamamatay-tao sa ilang?" Sumagot si Pablo, "Ako'y Judio, na taga-Tarso sa Cilicia, isang mamamayan ng isang hindi karaniwang lunsod. Nakikiusap ako, pahintulutan mo akong magsalita sa mga taong-bayan." Nang siya'y mapahintulutan na niya, si Pablo ay tumayo sa mga baytang at isinenyas ang kamay sa mga tao, at nang magkaroon ng malaking katahimikan, nagsalita siya sa wikang Hebreo, na sinasabi: Mga ginoo, mga kapatid at mga magulang, pakinggan ninyo ang pagtatanggol na gagawin ko ngayon sa harapan ninyo." Nang marinig nilang siya'y nagsasalita sa kanila sa wikang Hebreo, ay lalo pa silang tumahimik. Pagkatapos ay sinabi niya, "Ako'y isang Judio, na ipinanganak sa Tarso ng Cilicia, ngunit pinalaki sa lunsod na ito, sa paanan ni Gamaliel, at tinuruan alinsunod sa kahigpitan ng kautusan ng ating mga ninuno, na masigasig para sa Diyos, na tulad ninyong lahat ngayon. Aking pinag-usig ang Daang ito hanggang sa kamatayan, na ginagapos at ipinapasok sa mga bilangguan ang mga lalaki at ang mga babae, tulad ng mapapatotohanan ng pinakapunong pari ng tungkol sa akin at ng buong kapulungan ng matatanda. Mula sa kanila'y tumanggap ako ng mga sulat para sa mga kapatid sa Damasco at nagpunta ako roon upang gapusin ang mga naroroon at ibalik sila sa Jerusalem upang parusahan. "Habang ako'y naglalakbay at papalapit na sa Damasco, nang magtatanghaling-tapat na, biglang sumikat mula sa langit ang isang malaking liwanag sa palibot ko. Bumagsak ako sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsasabi sa akin, 'Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig?' Sumagot ako sa kanya, 'Sino ka ba, Panginoon?' At sinabi niya sa akin, 'Ako'y si Jesus na taga-Nazaret na iyong pinag-uusig.' Nakita ng mga kasamahan ko noon ang liwanag, ngunit hindi nila narinig ang tinig ng nagsalita sa akin. Sinabi ko, 'Anong gagawin ko, Panginoon?' Sinabi sa akin ng Panginoon, Tumindig ka at pumunta ka sa Damasco; at doo'y sasabihin sa iyo ang lahat ng mga bagay na itinalagang gawin mo.' Nang hindi ako makakita dahil sa kaningningan ng liwanag na iyon, hinawakan ang aking kamay ng mga kasamahan ko, at dinala ako sa Damasco. "Isang Ananias, na lalaking masipag sa kabanalan ayon sa kautusan, at may magandang patotoo tungkol sa kanya ang mga Judio na naninirahan doon, ang lumapit sa akin, tumayo sa tabi ko at nagsabi sa akin, 'Kapatid na Saulo, muli mong tanggapin ang iyong paningin!' Nang oras ding iyon, bumalik ang aking paningin at nakita ko siya. Pagkatapos ay sinabi niya, 'Itinalaga ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang malaman mo ang kanyang kalooban, makita mo ang Matuwid, at marinig mo ang tinig mula sa kanyang bibig, sapagkat magiging saksi ka niya sa lahat ng mga tao tungkol sa mga bagay na iyong nakita at narinig. At ngayon, ano pang hinihintay mo? Tumindig ka at magpabautismo, at hugasan ang iyong mga kasalanan, na tumatawag sa kanyang pangalan.' "Pagbalik ko sa Jerusalem, at habang ako'y nananalangin sa templo ay nawalan ako ng malay, at ang Panginoon ay nakita ko na nagsasabi sa akin, 'Magmadali ka at umalis agad sa Jerusalem, sapagkat hindi nila tatanggapin ang iyong patotoo tungkol sa akin.' At aking sinabi, 'Panginoon, sila mismo ay nakaalam na sa bawat sinagoga ay ibinilanggo ko at hinampas ang mga nanampalataya sa iyo. Nang idanak ang dugo ni Esteban na iyong saksi, ako mismo ay nakatayo sa malapit, na sumasang-ayon at nag-iingat sa mga damit ng mga pumatay sa kanya. At sinabi niya sa akin, 'Humayo ka, sapagkat susuguin kita sa malayo sa mga Hentil.' " Kanilang pinakinggan siya hanggang sa pagkakataong ito ngunit pagkatapos ay sumigaw sila, "Alisin sa lupa ang ganyang tao! Sapagkat hindi siya karapat-dapat mabuhay." At samantalang sila'y nagsisigawan, na inihahagis ang kanilang mga damit, at nagsasabog ng alikabok sa hangin, ay ipinag-utos ng pinunong kapitan na siya'y ipasok sa himpilan at sinabing siya'y siyasatin na may paghagupit upang malaman niya kung anong dahilan at sila'y nagsigawan nang gayon laban sa kanya. Ngunit nang siya'y kanilang magapos na ng mga panaling balat, ay sinabi ni Pablo sa senturiong nakatayo sa malapit, "Matuwid ba sa inyo na hagupitin ang isang taong mamamayan ng Roma, na hindi pa nahahatulan?" Nang iyon ay marinig ng senturion, pumunta siya sa pinunong kapitan at sa kanya'y sinabi, "Anong gagawin mo? Ang taong ito ay mamamayang Romano." Lumapit ang pinunong kapitan at tinanong si Pablo, "Sabihin mo sa akin, ikaw ba'y mamamayang Romano?" At sinabi niya, "Oo." Sumagot ang pinunong kapitan, "Sa malaking halaga ng salapi ay nakuha ko ang pagkamamamayan kong ito." At sinabi ni Pablo, "Ngunit ako'y isinilang na mamamayang Romano." Kaya't agad na lumayo sa kanya ang mga magsisiyasat sa kanya; at ang pinunong kapitan ay natakot din sapagkat nalaman niyang si Pablo ay isang Romano, at siya'y ginapos niya. Nang sumunod na araw, dahil sa pagnanais na malaman ang tunay na dahilan kung bakit siya'y isinakdal ng mga Judio ay kanyang pinawalan siya at iniutos sa mga punong pari at sa buong Sanhedrin na magpulong. Pinababa niya si Pablo at iniharap sa kanila. Habang nakatitig na mabuti si Pablo sa Sanhedrin, ay sinabi niya, "Mga ginoo, mga kapatid, hanggang sa mga araw na ito, ako'y nabuhay nang may malinis na budhi sa harapan ng Diyos." Pagkatapos, ipinag-utos ng pinakapunong paring si Ananias sa mga nakatayong malapit sa kanya na siya'y hampasin sa bibig. Nang magkagayo'y sinabi sa kanya ni Pablo, "Sasaktan ka ng Diyos, ikaw na pinaputing pader! Nakaupo ka ba riyan upang ako'y hatulan ayon sa kautusan, ngunit ako'y ipinahahampas mo nang labag sa kautusan?" Sinabi ng mga nakatayo sa malapit, "Nilalait mo ba ang pinakapunong pari ng Diyos?" At sinabi ni Pablo, "Hindi ko alam, mga kapatid, na siya'y pinakapunong pari, sapagkat nasusulat, 'Huwag mong pagsasalitaan ng masama ang isang pinuno ng iyong bayan.' " Nang mapansin ni Pablo na ang ilan ay mga Saduceo at ang iba'y mga Fariseo, ay sumigaw siya sa Sanhedrin, "Mga ginoo, mga kapatid, ako'y isang Fariseo, anak ng mga Fariseo. Ako'y nililitis tungkol sa pag-asa at muling pagkabuhay ng mga patay." Nang sabihin niya ito, nagkaroon ng pagtatalo ang mga Fariseo at mga Saduceo; at nahati ang kapulungan. (Sapagkat sinasabi ng mga Saduceo na walang muling pagkabuhay, o anghel, o espiritu; ngunit pinaniniwalaan ng mga Fariseo ang lahat ng ito.) Pagkatapos ay nagkaroon ng malakas na sigawan, at tumindig ang ilan sa mga eskriba na kakampi ng mga Fariseo, at mainitang nagtalo na sinasabi, "Wala kaming makitang anumang kasalanan sa taong ito. Ano nga kung siya'y kinausap man ng isang espiritu, o ng isang anghel?" Nang lumalaki ang kaguluhan, sa takot ng pinunong kapitan na baka lurayin nila si Pablo, ay pinababa ang mga kawal, sapilitang ipinakuha siya at siya'y ipinasok sa himpilan. Nang gabing iyon, lumapit sa kanya ang Panginoon at sinabi, "Lakasan mo ang iyong loob! Sapagkat kung paano kang nagpatotoo tungkol sa akin sa Jerusalem, ay kailangang magpatotoo ka rin sa Roma." Kinaumagahan, nagkatipon ang mga Judio, at nagsabwatan sa pamamagitan ng isang sumpa, na hindi sila kakain ni iinom man hanggang sa kanilang mapatay si Pablo. Mahigit sa apatnapu ang sumama sa sabwatang ito. Pumunta sila sa mga punong pari at sa matatanda, at nagsabi, "Kami ay namanata sa ilalim ng mahigpit na sumpa, na hindi titikim ng anumang pagkain hanggang sa mapatay namin si Pablo. Kaya't kayo, pati ang Sanhedrin ay sabihan ninyo ang punong kapitan na kanyang ibaba siya sa inyo, na kunwari'y ibig ninyong siyasatin ng lalong ganap ang paratang tungkol sa kanya. At nakahanda na kaming patayin siya bago siya lumapit." Ngunit narinig ng anak na lalaki ng kapatid na babae ni Pablo ang tungkol sa kanilang pag-aabang kaya siya'y pumunta sa himpilan at ibinalita kay Pablo. At tinawag ni Pablo ang isa sa mga senturion, at sinabi, "Dalhin mo ang binatang ito sa punong kapitan sapagkat siya'y mayroong sasabihin sa kanya." Kaya't siya'y isinama at dinala sa punong kapitan, at sinabi, "Tinawag ako ng bilanggong si Pablo, at ipinakiusap sa aking dalhin ko sa iyo ang binatang ito na mayroong sasabihin sa iyo." At hinawakan siya sa kamay ng punong kapitan at sa isang tabi ay lihim na tinanong siya, "Ano ang sasabihin mo sa akin?" Sinabi niya, "Pinagkasunduan ng mga Judio na sa iyo'y ipakiusap na iyong dalhin bukas si Pablo sa Sanhedrin, na kunwari'y may sisiyasatin pa silang mabuti tungkol sa kanya. Subalit huwag kang maniniwala sa kanila, sapagkat mahigit na apatnapu sa kanilang mga tao ang nag-aabang sa kanya. Sila'y namanata sa ilalim ng isang sumpa na hindi kakain ni iinom man hanggang sa siya'y kanilang mapatay. Ngayo'y handa na sila at naghihintay ng iyong pagsang-ayon." Kaya't pinaalis ng punong kapitan ang binata, at ipinagbilin sa kanya, "Huwag mong sasabihin kaninuman na ipinagbigay-alam mo sa akin ang mga bagay na ito." Pagkatapos ay kanyang tinawag ang dalawa sa mga senturion, at sinabi, "Sa ikatlong oras ng gabi, ihanda ninyo ang dalawangdaang kawal kasama ang pitumpung mangangabayo at dalawangdaang may sibat upang magtungo sa Cesarea. Ipaghanda rin ninyo sila ng mga hayop na masasakyan ni Pablo, at siya'y ihatid na ligtas kay Felix na gobernador." At siya'y sumulat ng isang sulat, na ganito: "Si Claudio Lisias sa kagalang-galang na gobernador Felix, ay bumabati. Ang taong ito'y hinuli ng mga Judio, at papatayin sana nila, ngunit nang malaman kong siya'y mamamayan ng Roma dumating ako na may kasamang mga kawal at siya'y iniligtas ko. At sa pagnanais kong malaman ang dahilan kung bakit siya'y kanilang isinakdal, ay dinala ko siya sa kanilang Sanhedrin. Nalaman ko na siya'y kanilang isinasakdal tungkol sa mga usaping may kinalaman sa kanilang kautusan, ngunit walang anumang paratang laban sa kanya na marapat sa kamatayan o sa mga tanikala. Nang ipaalam sa akin na may banta laban sa taong iyan, ipinadala ko siya agad sa iyo, at aking ipinag-utos din sa mga nagsasakdal sa kanya na sabihin sa harapan mo ang laban sa kanya." Kaya't kinuha si Pablo ng mga kawal, ayon sa iniutos sa kanila, at nang gabi ay dinala siya sa Antipatris. Nang sumunod na araw, pinabayaan nilang samahan siya ng mga mangangabayo, samantalang sila'y nagbalik sa himpilan. Nang makarating sila sa Cesarea at maibigay ang sulat sa gobernador, iniharap din nila si Pablo sa kanya. At pagkabasa sa sulat, itinanong niya kung taga-saang lalawigan siya at nang malaman niya na siya'y taga-Cilicia, ay sinabi niya, "Papakinggan kita pagdating ng mga nagsakdal sa iyo." At ipinag-utos niya na siya'y bantayan sa palasyo ni Herodes. Pagkaraan ng limang araw, ang pinakapunong pari na si Ananias ay lumusong na kasama ang ilang matatanda, at ang isang Tertulio na tagapagsalita na siyang nagharap ng sakdal sa gobernador laban kay Pablo. Nang si Pablo ay tawagin, sinimulan siyang paratangan ni Tertulio, na sinasabi, "Kagalang-galang na Felix, yamang dahil sa iyo'y nagtamo kami ng matagal na kapayapaan, at dumating ang mga pagbabago sa bansang ito dahil sa iyong pagtanaw sa hinaharap. Kinikilala namin ito sa lahat ng mga paraan at sa lahat ng mga dako, na may lubos na pasasalamat. Ngunit upang hindi na kayo maabala pa, hinihiling ko sa iyo sa iyong kagandahang-loob na pakinggan mo kami ng ilang sandali. Natagpuan namin na ang taong ito'y mapanligalig at mapag-udyok ng kaguluhan sa lahat ng mga Judio sa buong daigdig, at isang pinuno sa sekta ng mga Nazareno. Nagtangka pa siya na lapastanganin ang templo ngunit dinakip namin siya. [Ngunit dumating ang pangulong pinunong si Lisias at sapilitang inagaw siya sa aming mga kamay, at inutusan ang mga nagbintang sa kanya na humarap sa inyo.] Sa pamamagitan ng pagsisiyasat ninyo mismo sa kanya, ang lahat ng mga bagay na ito na isinasakdal namin laban sa kanya ay malalaman ninyo mula sa kanya." At ang mga Judio ay nakisama rin sa pagsasakdal, na sinasabing ang lahat ng mga ito ay totoo. Nang siya'y hudyatan ng gobernador upang magsalita, si Pablo ay sumagot: "Yamang nalalaman ko na ikaw ay naging hukom sa loob ng maraming mga taon sa bansang ito, ay masigla kong gagawin ang aking pagtatanggol. Tulad ng nalalaman mo, wala pang labindalawang araw buhat nang ako'y pumunta sa Jerusalem upang sumamba. Hindi nila ako natagpuang nakikipagtalo sa kanino o kaya'y nanggugulo sa maraming tao sa templo man o sa mga sinagoga, ni sa lunsod, ni hindi rin nila mapapatunayan sa iyo ang mga bagay na ngayo'y kanilang ibinibintang sa akin. Ngunit ito ang inaamin ko sa iyo, na ayon sa Daan, na kanilang tinatawag na sekta, ay sinasamba ko ang Diyos ng aming mga ninuno, na pinaniniwalaan ang lahat ng bagay na alinsunod sa kautusan o nasusulat sa mga propeta. Ako'y may pag-asa sa Diyos, na siya rin namang inaasahan nila, na magkakaroon ng muling pagkabuhay ng mga matuwid at ng mga hindi matuwid. Dahil dito'y lagi akong nagsisikap na magkaroon ng isang malinis na budhi sa Diyos at sa mga tao. Nang makaraan ang ilang taon ay naparito ako upang magdala sa aking bansa ng mga limos at mag-alay ng mga handog. Samantalang ginagawa ko ito, natagpuan nila ako sa templo na ginagawa ang rituwal ng paglilinis, na walang maraming tao ni kaguluhan. Ngunit may ilang Judio roon na galing sa Asia — na dapat naririto sa harapan mo at magsakdal, kung mayroon silang anumang laban sa akin. O kaya'y hayaan ang mga tao ring ito na magsabi kung anong masamang gawa ang natagpuan nila nang ako'y tumayo sa harapan ng Sanhedrin, maliban sa isang bagay na ito na aking isinigaw habang nakatayo sa gitna nila, 'Tungkol sa pagkabuhay ng mga patay ako'y nililitis sa harapan mo sa araw na ito.' " Ngunit si Felix, na may wastong kaalaman tungkol sa Daan, ay ipinagpaliban ang pagdinig, na sinasabi, "Paglusong ni Lisias na punong kapitan, magpapasiya ako tungkol sa inyong usapin." At iniutos niya sa senturion na siya'y bantayan at bigyan ng kaunting kalayaan at huwag pagbawalan ang kanyang mga kaibigan na tulungan siya sa kanyang mga pangangailangan. Pagkaraan ng ilang mga araw, si Felix ay dumating na kasama si Drusila na kanyang asawa, na isang Judio, at ipinatawag si Pablo, at siya'y pinakinggang magsalita tungkol sa pananampalataya kay Cristo Jesus. Samantalang tinatalakay niya ang tungkol sa katuwiran, pagpipigil sa sarili, at sa paghuhukom na darating, nangilabot si Felix at sumagot, "Umalis ka muna ngayon at kapag nagkaroon ako ng pagkakataon ay ipatatawag kita." Kanyang inaasahan din na siya'y bibigyan ni Pablo ng salapi. Kaya't madalas niyang ipinapatawag si Pablo, at sa kanya'y nakikipag-usap. Ngunit nang matapos na ang dalawang taon, si Felix ay pinalitan ni Porcio Festo; at sa pagnanais na gumawa ng ikasisiya ng mga Judio, ay pinabayaan ni Felix si Pablo sa bilangguan. Pagkaraan ng tatlong araw, pagkarating ni Festo sa lalawigan, pumunta siya sa Jerusalem mula sa Cesarea, at doon ang mga punong pari at ang mga pinuno ng mga Judio ay nag-ulat sa kanya laban kay Pablo. Sila'y nanawagan sa kanya, at nakiusap bilang tulong sa kanila laban kay Pablo, na siya ay ilipat sa Jerusalem. Sila'y nagbabalak ng pananambang upang siya'y patayin sa daan. Sumagot si Festo na si Pablo ay binabantayan sa Cesarea, at siya mismo ay pupunta roon sa lalong madaling panahon. "Kaya nga," sinabi niya, "ang mga lalaking may awtoridad sa inyo ay sumama sa akin, at kung may anumang pagkakasala ang taong ito, magharap sila ng sakdal laban sa kanya." Pagkatapos na siya'y makatigil sa kanila nang hindi hihigit sa walo o sampung araw, ay pumunta siya sa Cesarea, at nang sumunod na araw ay umupo siya sa hukuman, at iniutos na dalhin si Pablo. Nang siya'y dumating, ang mga Judio na dumating mula sa Jerusalem ay tumayo sa paligid niya na may dalang marami at mabibigat na mga paratang laban sa kanya na hindi nila mapatunayan. Sinasabi ni Pablo sa kanyang pagtatanggol, "Hindi ako nagkasala ng anuman laban sa kautusan ng mga Judio, ni laban sa templo, ni laban kay Cesar." Ngunit si Festo, sa pagnanais na gawan ng ikalulugod ang mga Judio, ay nagsabi kay Pablo, "Ibig mo bang pumunta sa Jerusalem at doon ka litisin sa mga bagay na ito sa harapan ko?" Ngunit sinabi ni Pablo, "Dudulog ako sa hukuman ni Cesar; doon ako dapat litisin. Wala akong ginawang masama sa mga Judio, tulad ng alam na alam mo. Kung ako ay isang salarin, at nakagawa ng anumang bagay na karapat-dapat sa kamatayan, hindi ako tatakas sa kamatayan. Ngunit kung walang katotohanan ang mga bagay na ipinagsasakdal nila laban sa akin, walang sinumang makapagbibigay sa akin sa kanila. Dudulog ako kay Cesar." At si Festo, pagkatapos sumangguni sa Sanhedrin, ay sumagot, "Nais mong dumulog kay Cesar; kay Cesar ka pupunta." Nang makaraan ang ilang araw, si Haring Agripa at si Bernice ay dumating sa Cesarea upang batiin si Festo. Sa kanilang pagtigil doon ng maraming araw, isinalaysay ni Festo sa hari ang usapin ni Pablo, na sinasabi, "May isang lalaking bilanggo na iniwan ni Felix; at noong ako'y nasa Jerusalem ay ipinagbigay-alam ng mga punong pari at ng matatanda sa mga Judio ang tungkol sa kanya na hinihinging humatol ako laban sa kanya. Sinabi ko sa kanila na hindi kaugalian ng mga taga-Roma na ibigay ang sinumang tao, hanggang hindi nakakaharap ng isinasakdal ang mga nagsasakdal, at siya'y magkaroon ng pagkakataong makagawa ng kanyang pagtatanggol tungkol sa paratang laban sa kanya. Kaya't nang sila'y magkatipon dito, hindi ako nagpaliban kundi nang sumunod na araw ay umupo ako sa hukuman at iniutos kong iharap ang tao. Nang tumayo ang mga nagsasakdal, walang sakdal na masamang bagay na maiharap laban sa kanya na gaya ng aking iniisip. Sa halip, may ilan silang di pagkakasundo laban sa kanya tungkol sa kanilang sariling relihiyon, at sa isang Jesus, na namatay na, ngunit pinaninindigan ni Pablo na buhay. At ako, palibhasa'y naguguluhan tungkol sa pagsisiyasat ng mga bagay na ito, ay itinanong ko kung ibig niyang pumunta sa Jerusalem at doon siya litisin. tungkol sa mga bagay na ito. Ngunit nang maghabol si Pablo na siya'y bantayan para sa pasiya ng emperador, ay ipinag-utos kong bantayan siya hanggang sa siya'y maipadala ko kay Cesar." At sinabi ni Agripa kay Festo, "Ibig ko rin sanang mapakinggan ang tao." "Bukas," sinabi niya, "siya'y mapapakinggan mo." Kaya't kinabukasan, dumating si Agripa at si Bernice na may buong karilagan. Nang pumasok na sila sa bulwagan ng hukuman kasama ang mga punong kapitan at ang mga pangunahin sa bayan, ipinasok si Pablo sa utos ni Festo. At sinabi ni Festo, "Haring Agripa, at mga nariritong kasama namin, nakikita ninyo ang taong ito. Siya ay ipinagsasakdal sa akin ng buong bayan ng mga Judio, sa Jerusalem at dito, na isinisigaw na hindi siya dapat mabuhay pa. Ngunit aking natagpuang wala siyang ginawang anuman na marapat sa kamatayan; at yamang siya mismo ay dumudulog sa emperador, ipinasiya kong siya'y ipadala. Ngunit wala akong tiyak na bagay na maisusulat sa aking panginoon. Kaya dinala ko siya sa harapan ninyo, at lalung-lalo na sa harapan mo, Haring Agripa, upang pagkatapos nating siyasatin siya, ay magkaroon ako ng maisusulat. Sapagkat inaakala kong hindi makatuwiran na sa pagpapadala ng isang bilanggo, ay hindi mailahad ang sakdal laban sa kanya." Sinabi ni Agripa kay Pablo, "May pahintulot kang magsalita para sa iyong sarili." Iniunat ni Pablo ang kanyang kamay at ginawa ang kanyang pagtatanggol: "Itinuturing kong mapalad ako, Haring Agripa, na sa harapan mo ay gagawin ko ang aking pagtatanggol sa araw na ito laban sa lahat ng ipinaratang ng mga Judio; sapagkat bihasa ka sa lahat ng mga kaugalian at mga usapin ng mga Judio, kaya ipinapakiusap ko sa iyo na matiyaga mo akong pakinggan. "Ang aking pamumuhay mula sa aking pagkabata, na Simula pa'y ginugol ko na sa aking bansa at sa Jerusalem, ay nalalaman ng lahat ng mga Judio. Nalalaman nila mula pa nang una, kung handa silang magpatunay, na alinsunod sa pinakamahigpit na sekta ng aming relihiyon ay namuhay ako bilang isang Fariseo. At ngayo'y nakatayo ako rito upang litisin dahil sa pag-asa sa pangakong ginawa ng Diyos sa aming mga ninuno; na inaasahang matamo ng aming labindalawang lipi sa kanilang masigasig na paglilingkod gabi at araw. At dahil sa pag-asang ito ay isinasakdal ako ng mga Judio, O hari! Bakit inaakala ninyong hindi kapani-paniwalang binubuhay ng Diyos ang mga patay? "Ako mismo ay napaniwala na dapat akong gumawa ng maraming mga bagay laban sa pangalan ni Jesus na taga-Nazaret. At ginawa ko ito sa Jerusalem; at hindi ko lamang kinulong sa mga bilangguan ang marami sa mga banal, sa pamamagitan ng awtoridad mula sa mga punong pari, kundi nang sila'y ipapatay, ay ibinibigay ko ang aking pagsang-ayon laban sa kanila. Madalas ko silang pinarurusahan sa lahat ng mga sinagoga at pinipilit ko silang manlapastangan; at sa nag-aalab na pagkagalit sa kanila ay pinag-uusig ko sila maging sa mga lunsod sa ibang lupain. "Kaya't naglakbay ako patungo sa Damasco na taglay ang awtoridad at pahintulot ng mga punong pari, Nang katanghalian, O hari, ay nakita ko sa daan ang isang liwanag mula sa langit na higit na maliwanag kaysa araw, na nagningning sa palibot ko at sa mga naglalakbay na kasama ko. Nang bumagsak kaming lahat sa lupa ay narinig ko ang isang tinig na nagsasalita sa akin sa wikang Hebreo, 'Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig? Makakasakit sa iyo ang sumikad sa matutulis.' At sinabi ko, 'Sino ka ba, Panginoon?' At sinabi ng Panginoon, 'Ako'y si Jesus na iyong pinag-uusig. Subalit bumangon ka, at ikaw ay tumindig sapagkat sa layuning ito nagpakita ako sa iyo, upang italaga kang lingkod at maging saksi sa mga bagay na nakita mo sa akin at sa mga bagay na ipapakita ko pa sa iyo. Ililigtas kita sa mga kababayan mo at sa mga Hentil, na sa kanila'y isinusugo kita, upang buksan ang kanilang mga mata, at sila'y magbalik mula sa kadiliman tungo sa liwanag at mula sa kapangyarihan ni Satanas tungo sa Diyos, upang makatanggap sila ng kapatawaran ng mga kasalanan at ng isang pook sa piling ng mga ginawang banal sa pamamagitan ng pananampalataya sa akin.' "Pagkalipas noon, O Haring Agripa, hindi ako naging suwail sa makalangit na pangitain, kundi ipinangaral muna sa mga nasa Damasco, at pagkatapos ay sa Jerusalem, at sa buong lupain ng Judea, at sa mga Hentil, na sila'y magsisi at magbagong-loob sa Diyos at gumawa ng mga gawang naaangkop sa pagsisisi. Dahil dito hinuli ako ng mga Judio sa templo at pinagsikapang ako'y patayin. Hanggang sa araw na ito ay natatamo ko ang tulong mula sa Diyos, kaya't nakatayo akong nagpapatotoo sa maliliit at gayundin sa malalaki, na walang sinasabi kundi ang sinabi ng mga propeta at ni Moises na mangyayari: na ang Cristo ay dapat magdusa at sa pagiging una sa pagbangon mula sa mga patay, ay ipahayag ang liwanag sa bayan, at gayundin sa mga Hentil." Habang sinasabi niya ang mga bagay na ito sa kanyang pagtatanggol, ay sinabi ni Festo nang may malakas na tinig, "Pablo, ikaw ay baliw; ang labis mong karunungan ay siyang nagpapabaliw sa iyo!" Ngunit sinabi ni Pablo, "Hindi ako baliw, kagalang-galang na Festo; kundi mga salita ng katotohanan at katuwiran ang sinasabi ko. Sapagkat nalalaman ng hari ang mga bagay na ito, at sa kanya'y nagsasalita ako ng buong laya, sapagkat naniniwala ako na sa kanya'y walang nalilingid sa mga bagay na ito; sapagkat ito'y hindi ginawa sa isang sulok. Haring Agripa, naniniwala ka ba sa mga propeta? Nalalaman kong naniniwala ka." At sinabi ni Agripa kay Pablo, "Sa maikling panahon ay hinihikayat mo akong maging Cristiano!" Ngunit sinabi ni Pablo, "Loobin nawa ng Diyos, na sa madali o matagal man, ay hindi lamang ikaw, kundi maging ang lahat ng mga nakikinig sa akin ngayon, ay maging katulad ko naman, maliban sa mga tanikalang ito." Pagkatapos ay tumayo ang hari, ang gobernador, si Bernice, at ang mga nakaupong kasama nila, at nang sila'y makalayo, ay sinabi nila sa isa't isa, "Ang taong ito ay walang anumang ginagawa na marapat sa kamatayan o sa mga tanikala." Sinabi ni Agripa kay Festo, "Ang taong ito ay maaari na sanang palayain kung hindi siya dumulog kay Cesar." Nang ipasiya na kami ay maglalayag patungo sa Italia, inilipat nila si Pablo at ang iba pang bilanggo sa senturion na ang pangalan ay Julio, mula sa mga kawal ni Augusto. Pagkalulan sa isang barkong Adrameto na maglalayag sa mga daungan sa baybayin ng Asia, tumulak kami kasama si Aristarco na isang taga-Macedonia mula sa Tesalonica. Nang sumunod na araw ay dumaong kami sa Sidon; at pinakitunguhang mabuti ni Julio si Pablo at pinahintulutan siyang pumaroon sa kanyang mga kaibigan upang siya'y matulungan. Nang kami'y tumulak buhat doon, naglayag kami na nanganganlong sa Cyprus, sapagkat pasalungat sa amin ang hangin. Pagkatapos na makapaglayag kami sa kabila ng dagat na nasa tapat ng Cilicia at Pamfilia, nakarating kami sa Mira ng Licia. Nakatagpo roon ang senturion ng isang barkong Alejandria na naglalayag patungo sa Italia at pinasakay niya kami roon. Marahan kaming naglayag nang maraming araw at may kahirapan kaming nakarating sa tapat ng Cnido. Nang hindi kami pinahintulutan ng hanging makasulong pa, naglayag kami na nanganganlong sa Creta, sa tapat ng Salmone. Sa pamamaybay namin dito na may kahirapan ay nakarating kami sa isang lugar na tinatawag na Mabubuting Daungan, malapit sa lunsod ng Lasea. Yamang maraming panahon na ang nawala at ang paglalayag ay mapanganib na, sapagkat maging ang pag-aayuno ay nakalampas na, ay pinayuhan sila ni Pablo, na sinasabi, "Mga ginoo, nakikita ko na ang paglalayag na ito ay makakapinsala at magiging malaking kapahamakan, hindi lamang sa kargamento at sa barko, kundi pati na rin sa ating mga buhay." Ngunit higit na pinaniwalaan ng senturion ang kapitan at ang may-ari ng barko, kaysa mga bagay na sinabi ni Pablo. Sapagkat hindi bagay hintuan sa tagginaw ang daungan, ipinayo ng karamihan na tumulak mula roon at baka sakaling makarating sila sa Fenix at nagpalipas ng taglamig doon. Ito ay daungan ng Creta na nasa dakong hilagang-silangan at timog-silangan. Nang marahang humihip ang hanging habagat, na inakala nilang maisasagawa nila ang kanilang layunin; kaya itinaas nila ang angkla at namaybay sa baybayin ng Creta. Subalit hindi nagtagal at bumulusok ang isang maunos na hangin na tinatawag na Euraclidon. Yamang inabutan ang barko at hindi makasalungat sa hangin, nagpadala na lamang kami at kami'y ipinadpad. Sa paglalayag na nanganganlong sa isang maliit na pulo na tinatawag na Cauda, ay bahagya naming napatakbo ang bangka. Nang maitaas na ito, gumawa sila ng paraan upang matalian ng lubid ang barko. Dahil sa takot na baka sila mapapadpad sa Sirte, ibinaba nila ang mga layag at sa gayo'y naanod sila. Kami ay binabayo ng malakas na bagyo, kaya't nang sumunod na araw ay nagsimula silang magtapon ng mga kargamento sa dagat. Nang ikatlong araw ay kanilang ipinagtatapon ang mga kasangkapan ng barko. Nang hindi sumikat sa amin ang araw ni ang mga bituin man nang maraming araw, at humahampas pa rin sa amin ang isang malakas na bagyo, nawala ang buong pag-asa naming makakaligtas. Sapagkat matagal na silang hindi kumakain, tumayo si Pablo sa gitna nila, at sinabi, "Mga ginoo, nakinig sana kayo sa akin, at hindi naglayag mula sa Creta, at naiwasan ang kapinsalaan at kapahamakang ito. Ngayon ay ipinapakiusap ko sa inyo na inyong lakasan ang inyong loob sapagkat walang buhay na mapapahamak sa inyo, kundi ang barko lamang. Sapagkat sa gabing ito ay tumayo sa tabi ko ang isang anghel ng Diyos na nagmamay-ari sa akin, at siya ko namang pinaglilingkuran, na nagsasabi, 'Huwag kang matakot, Pablo. Kailangan mong humarap kay Cesar. At tunay na ipinagkaloob ng Diyos ang kaligtasan sa lahat ng kasama mo sa paglalayag.' Kaya, mga ginoo, lakasan ninyo ang inyong loob, sapagkat ako'y sumasampalataya sa Diyos na mangyayari ito ayon sa sinabi sa akin. Subalit tayo'y kailangang mapadpad sa isang pulo." Nang dumating ang ikalabing-apat na gabi, samantalang kami'y ipinapadpad ng hangin sa kabila ng Dagat ng Adriatico, nang maghahating-gabi na ay inakala ng mga mandaragat na sila'y papalapit na sa lupa. Nang kanilang tarukin ay nalamang dalawampung dipa; at pagkasulong ng kaunti ay tinarok nilang muli at nalamang may labinlimang dipa. Sa takot naming mapapadpad sa batuhan, naghulog sila ng apat na angkla sa hulihan at nanalanging mag-umaga na. Subalit nang magtangka ang mga mandaragat na makaalis sa barko at ibinaba ang bangka sa dagat, na ang idinadahilan ay maghuhulog sila ng mga angkla sa unahan, ay sinabi ni Pablo sa senturion at sa mga kawal, "Malibang manatili ang mga taong ito sa barko, kayo'y hindi makakaligtas." Nang magkagayo'y pinutol ng mga kawal ang mga lubid ng bangka, at pinabayaang mahulog. Nang mag-uumaga na, hinimok silang lahat ni Pablo na kumain, na sinasabi, "Ang araw na ito ang ikalabing-apat na araw na kayo'y naghihintay na walang kinakaing anuman. Kaya't ipinapakiusap ko sa inyo na kayo'y kumain; ito ay para sa inyong kaligtasan, sapagkat hindi malalaglag kahit ang isang buhok sa ulo ng sinuman sa inyo." Nang masabi na niya ito, at makakuha ng tinapay, ay nagpasalamat siya sa Diyos sa harapan ng lahat. Ito'y kanyang pinagputul-putol at nagsimulang kumain. Nang magkagayo'y lumakas ang loob ng lahat, at sila nama'y kumain din. Kaming lahat na nasa barko ay dalawangdaan at pitumpu't anim na kaluluwa. Nang makakain na sila nang sapat, pinagaan nila ang barko sa pamamagitan ng pagtatapon ng trigo sa dagat. Nang mag-umaga na, hindi nila napansin ang lupa, ngunit nababanaagan nila ang isang look na may baybayin, at sila'y nagbalak na maisadsad doon ang barko. Inihulog nila ang mga angkla at kanilang iniwan iyon sa dagat samantalang kinakalag ang mga tali ng mga ugit. Nang maitaas na nila sa hangin ang layag sa unahan ay nagtungo sila sa baybayin. Ngunit pagdating sa isang dako na pinagsasalubungan ng dalawang dagat, ay kanilang isinadsad ang barko at ang unahan ng barko ay hindi nakaalis at nanatiling hindi kumikilos, at ang hulihan ay winasak ng lakas ng mga alon. Ang balak ng mga kawal ay pagpapatayin ang mga bilanggo upang ang sinuma'y hindi makalangoy at makatakas. Sa pagnanais na iligtas si Pablo, pinigil sila ng senturion sa kanilang balak. Ipinag-utos niya ang mga marunong lumangoy ay tumalon, at mauna na sa lupa; at ang mga naiwan ay sumunod, ang ilan ay sa ibabaw ng mga kahoy, at ang iba ay sa bahagi ng barko. Sa gayon ang lahat; ay ligtas na nakarating sa lupa. Nang kami'y makaligtas na, noon namin nalaman na ang pulo ay tinatawag na Malta. Pinagpakitaan kami ng hindi karaniwang kabutihan ng mga katutubo, sapagkat sila'y nagsiga, at tinanggap kaming lahat, dahil sa nagsimula nang umulan at maginaw. Ngunit pagkatapos matipon ni Pablo ang isang bigkis na kahoy at mailagay sa apoy, lumabas ang isang ulupong dahil sa init, at kumapit sa kanyang kamay. Nang makita ng mga katutubo ang hayop na nakabitin sa kanyang kamay, ay sinabi sa isa't isa, "Tiyak na mamamatay-tao ang taong ito. Kahit siya'y nakatakas sa dagat, gayunma'y hindi hinayaan ng Katarungan na siya'y mabuhay." Ngunit ipinagpag niya ang hayop sa apoy at siya'y hindi nasaktan. Naghintay sila na inaasahang mamamaga siya o biglang mabuwal na patay; subalit nang matagal na silang naghihintay, at nakitang walang masamang nangyari sa kanya ay nagbago ang kanilang isip at nagsabing siya'y isang diyos. Malapit sa lugar na iyon ay may mga lupaing pag-aari ng pinuno ng pulong iyon, na ang pangalan ay Publio, na tumanggap sa amin at kinupkop kami na may kagandahang-loob sa loob ng tatlong araw. Nagkataon na nakaratay ang ama ni Publio na maysakit na lagnat at disenteriya. Pinuntahan siya ni Pablo at nanalangin, at nang maipatong sa kanya ang kanyang mga kamay ay pinagaling siya. Pagkatapos mangyari ito, nagtungo rin doon ang ibang maysakit sa pulo at sila'y pinagaling. Kami nama'y kanilang binigyan ng maraming parangal; at nang maglalayag na kami ay kanilang isinakay sa barko ang mga bagay na kailangan namin. Makaraan ang tatlong buwan ay naglayag kami sa isang barkong Alejandria na nagpalipas ng tagginaw sa pulo, na ang sagisag ay Ang Magkapatid na Kambal. Nang dumaong kami sa Siracusa ay tumigil kami roon ng tatlong araw. Mula roo'y lumigid kami at nakarating sa Regio; at pagkaraan ng isang araw ay humihip ang hanging habagat, at nang ikalawang araw ay nakarating kami sa Puteoli. Doon ay nakatagpo kami ng mga kapatid, at kami'y pinakiusapan nilang tumigil sa kanila sa loob ng pitong araw. Sa gayo'y nakarating kami sa Roma. Ang mga kapatid doon, nang mabalitaan ang tungkol sa amin, ay dumating mula sa Pamilihan ng Appio at sa Tatlong Bahay-Tuluyan upang salubungin kami. Pagkakita sa kanila, si Pablo ay nagpasalamat sa Diyos at lumakas ang kanyang loob. Nang makarating kami sa Roma, si Pablo ay pinahintulutang manirahang mag-isa kasama ang kawal na sa kanya'y nagbabantay. Pagkaraan ng tatlong araw, tinipon niya ang mga pinuno ng mga Judio at nang sila'y matipon na, ay sinabi niya sa kanila, "Mga kapatid, bagaman wala akong ginawang anuman laban sa bayan, o sa mga kaugalian ng ating mga ninuno, ay ibinigay akong bilanggo buhat sa Jerusalem sa mga kamay ng mga taga-Roma. Nang ako'y kanilang nasiyasat na, ibig sana akong palayain ng mga taga-Roma, sapagkat walang anumang kadahilanang marapat sa kamatayan na natagpuan sa akin. Subalit nang tumutol ang mga Judio, napilitan akong dumulog kay Cesar, bagaman wala akong paratang laban sa aking bansa. Kaya't sa dahilang ito, tinawag ko kayo upang makipagkita at makipag-usap sa inyo, yamang dahil sa pag-asa ng Israel ay nagagapos ako ng tanikalang ito." At sinabi nila sa kanya, "Kami'y walang natanggap na mga sulat na galing sa Judea tungkol sa iyo, ni walang pumaritong kapatid na nagbalita o nagsalita ng anumang masama tungkol sa iyo. Subalit ibig naming marinig sa iyo kung ano ang iyong mga iniisip, sapagkat alam namin na maraming nagsasalita ng laban sa sektang ito sa lahat ng mga lugar." Nang sila'y makapagtalaga ng isang araw para sa kanya, nagtungo sila sa kanyang tinutuluyan at napakarami nila. Ipinaliwanag niya sa kanila ang pangyayari buhat umaga hanggang gabi na nagpapatotoo tungkol sa kaharian ng Diyos, at sinikap na sila'y mahikayat tungkol kay Jesus, mula sa kautusan ni Moises at mula sa mga propeta. Ang iba'y nahikayat sa mga bagay na sinabi niya at ang iba'y hindi naniwala. Nang sila'y hindi magkaisa, umalis sila pagkasabi ni Pablo ng isang pahayag: "Tama ang Espiritu Santo sa pagsasalita sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ni propeta Isaias na sinasabi, 'Pumaroon ka sa bayang ito, at sabihin mo, tunay na inyong mapapakinggan, ngunit hindi kailanman mauunawaan, tunay na inyong titingnan ngunit hindi ninyo mamamasdan. Sapagkat pumurol na ang puso ng bayang ito, at mahirap nang makarinig ang kanilang mga tainga, at pumikit na ang kanilang mga mata; baka sila'y makakita sa kanilang mga mata, at makarinig sa kanilang mga tainga, at makaunawa sa kanilang puso, at magbalik-loob, at sila'y aking pagalingin.' Maging hayag nawa sa inyo na ang kaligtasang ito ng Diyos ay ipinadala sa mga Hentil at sila'y makikinig." [At nang masabi na niya ang mga salitang ito'y nagsialis ang mga Judio, at sila-sila'y nagtalong mabuti.] Nanirahan siya roon ng buong dalawang taon sa kanyang sariling inuupahang bahay, at tinatanggap ang lahat ng sa kanya'y nagsasadya, na ipinangangaral ang kaharian ng Diyos at itinuturo ang mga bagay na tungkol sa Panginoong Jesu-Cristo, na may buong katapangan at walang sagabal. Si Pablo na alipin ni Jesu-Cristo, tinawag upang maging apostol, ibinukod para sa ebanghelyo ng Diyos, na kanyang ipinangako noong una sa pamamagitan ng kanyang mga propeta sa mga banal na kasulatan, tungkol sa kanyang Anak na mula sa binhi ni David ayon sa laman at ipinahayag na Anak ng Diyos na may kapangyarihan ayon sa Espiritu ng kabanalan, sa pamamagitan ng pagkabuhay mula sa mga patay, na ito'y si Jesu-Cristo na Panginoon natin. Sa pamamagitan niya'y tumanggap kami ng biyaya at pagka-apostol, para sa pagsunod sa pananampalataya sa lahat ng mga bansa, dahil sa kanyang pangalan; sa mga ito ay kasama kayo na mga tinawag kay Jesu-Cristo: Sa lahat ninyong nasa Roma na mga iniibig ng Diyos, mga tinawag na banal: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Una, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo tungkol sa inyong lahat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay ipinahahayag sa buong daigdig. Sapagkat saksi ko ang Diyos, na aking pinaglilingkuran sa aking espiritu sa ebanghelyo ng kanyang Anak, na walang tigil na binabanggit ko kayo sa aking panalangin, at lagi kong hinihiling sa anumang paraan sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, na makapunta sa inyo. Sapagkat nasasabik akong makita kayo upang maibahagi ko sa inyo ang ilang kaloob na espirituwal upang mapatibay kayo. Samakatuwid ay upang kapwa tayo mapalakas sa pamamagitan ng pananampalataya ng isa't isa, na ito'y sa inyo at sa akin. Nais kong malaman ninyo, mga kapatid, na madalas kong binalak na makapunta sa inyo (subalit hanggang ngayon ako'y nahahadlangan), upang magkaroon din naman ako ng bunga sa inyo, gayundin naman sa iba pang mga Hentil. Ako'y may pananagutan sa mga Griyego at sa mga barbaro, sa marurunong at gayundin sa mga mangmang. Kaya't sa ganang akin, nasasabik din akong ipangaral ang ebanghelyo sa inyong mga nasa Roma. Sapagkat hindi ko ikinahihiya ang ebanghelyo; sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una'y sa Judio at gayundin sa Griyego. Sapagkat dito ang katuwiran ng Diyos ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya; gaya ng nasusulat, "Ngunit ang taong matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya." Sapagkat ang poot ng Diyos ay nahahayag mula sa langit laban sa lahat ng kalikuan at kasamaan ng mga tao, na sa pamamagitan ng kanilang kasamaan ay pinipigil ang katotohanan. Sapagkat ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay hayag sa kanila, yamang ito'y ipinahayag ng Diyos sa kanila. Mula pa nang likhain ang sanlibutan, ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, bagaman hindi nakikita, ay naunawaan at nakita sa pamamagitan ng mga bagay nakanyang ginawa, upang wala silang maidadahilan; sapagkat kahit kilala nila ang Diyos, siya ay hindi nila niluwalhati bilang Diyos, ni pinasalamatan man, kundi naging walang kabuluhan sa kanilang mga pangangatuwiran at ang mga puso nilang walang katuturan ay nagdilim. Sa pag-aangking marurunong, sila'y naging mga hangal, at ipinagpalit nila ang kaluwalhatian ng Diyos na hindi nasisira sa mga imaheng kahawig ng tao na nasisira, at ng mga ibon, ng mga hayop na may apat na paa at ng mga gumagapang. Kaya't dahil sa mga pagnanasa ng kanilang mga puso ay hinayaan sila ng Diyos sa karumihan, upang lapastanganin ang kanilang mga katawan sa kani-kanilang sarili; sapagkat pinalitan nila ng kasinungalingan ang katotohanan ng Diyos at sila'y sumamba at naglingkod sa nilalang sa halip na sa Lumalang, na siyang pinupuri magpakailanman! Amen. Dahil dito'y hinayaan sila ng Diyos sa mga mahahalay na pagnanasa. Ipinagpalit ng kanilang mga babae ang likas na pakikipagtalik sa di likas. At gayundin naman ang mga lalaki, nang iwan ang likas na pakikipagtalik sa mga babae, ay nag-alab sa kanilang pagnanasa sa isa't isa. Gumagawa ng kahalayan ang mga lalaki sa mga kapwa lalaki, at tumatanggap sa kanilang sarili ng kaparusahan ng kanilang pagkakamali. At palibhasa'y hindi nila minabuting kilalanin ang Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa isang mahalay na pag-iisip, upang gawin ang mga bagay na hindi nararapat. Napuno sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kalikuan, kasakiman, kahalayan; at puno ng inggit, pagpaslang, pag-aaway, pandaraya, katusuhan, mahihilig sa tsismis, mga mapanirang-puri, mga napopoot sa Diyos, mga walang pakundangan, mga palalo, mga mapagmataas, mga manggagawa ng masasamang bagay, mga suwail sa mga magulang, mga hangal, mga hindi tapat sa kanilang mga pangako, hindi mapagmahal, mga walang awa. Nalalaman nila ang mga iniuutos ng Diyos, na ang mga gumagawa ng gayong mga bagay ay karapat-dapat sa kamatayan, ngunit hindi lamang nila ginagawa ang gayon kundi sinasangayunan pa ang gumagawa ng mga iyon. Kaya't wala kang maidadahilan, O tao, maging sino ka man na humahatol, sapagkat sa paghatol mo sa iba, ay ang iyong sarili ang hinahatulan mo; sapagkat ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng gayong mga bagay. Subalit nalalaman natin na ang hatol ng Diyos sa kanila na nagsisigawa ng gayong mga bagay ay ayon sa katotohanan. At inaakala mo ba ito, O tao, na humahatol sa mga gumagawa ng gayong mga bagay, at gayundin ang ginagawa mo, na ikaw ay makakatakas sa hatol ng Diyos? O hinahamak mo ang mga kayamanan ng kanyang kabutihan, pagtitiis, at pagtitiyaga na hindi mo nababatid na ang kabutihan ng Diyos ang umaakay sa iyo sa pagsisisi? Ngunit ayon sa iyong katigasan at pusong hindi nagsisisi ay nagtitipon ka para sa iyong sarili ng poot sa araw ng kapootan at pagpapahayag ng matuwid na paghuhukom ng Diyos. Kanyang gagantihan ang bawat tao ayon sa kanyang mga gawa: sa kanila na sa pamamagitan ng pagtitiyaga sa mabubuting gawa, na naghahanap ng kaluwalhatian at karangalan at ng kawalan ng kasiraan, ay magbibigay siya ng buhay na walang hanggan; samantalang sa kanila na makasarili at hindi sumusunod sa katotohanan, kundi bagkus ay sumusunod sa kasamaan ay para sa kanila ang poot at galit. Magkakaroon ng hirap at pighati sa bawat kaluluwa ng tao na gumagawa ng kasamaan, una'y sa Judio at gayundin sa Griyego; subalit kaluwalhatian, karangalan, at kapayapaan sa bawat gumagawa ng mabuti, una'y sa Judio at gayundin sa Griyego: sapagkat ang Diyos ay hindi nagtatangi ng mga tao. Sapagkat ang lahat ng nagkasala ng walang kautusan ay mapapahamak din ng walang kautusan; at ang lahat ng nagkasala sa ilalim ng kautusan ay sa kautusan hahatulan. Sapagkat hindi ang mga tagapakinig ng kautusan ang siyang ganap sa harapan ng Diyos, kundi ang tumutupad sa kautusan ay aariing-ganap. Sapagkat kung ang mga Hentil na likas na walang kautusan ay gumagawa ng mga bagay ng kautusan, ang mga ito, bagaman walang kautusan, ay siyang kautusan sa kanilang sarili. Kanilang ipinakita na ang hinihiling ng kautusan ay nakasulat sa kanilang mga puso, na rito'y nagpapatotoo rin ang kanilang budhi, at ang kanilang mga pag-iisip ay nagbibintang o nagdadahilan sa isa't isa; sa araw na hahatulan ng Diyos ang mga lihim ng mga tao ayon sa aking ebanghelyo, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Ngunit kung ikaw na tinatawag na Judio ay umaasa sa kautusan, at nagmamalaki sa Diyos, at nakakaalam ng kanyang kalooban, at sumasang-ayon sa mga bagay na magagaling, palibhasa'y naturuan ka ng kautusan, at nagtitiwala ka sa sarili na ikaw ay taga-akay ng mga bulag, isang ilaw ng mga nasa kadiliman, tagasaway sa mga hangal, guro ng mga bata, na taglay sa kautusan ang pinakadiwa ng kaalaman at katotohanan; ikaw nga na nagtuturo sa iba, hindi mo ba tuturuan ang iyong sarili? Ikaw na nangangaral sa tao na huwag magnakaw, nagnanakaw ka ba? Ikaw na nagsasabing huwag mangalunya, nangangalunya ka ba? Ikaw na nasusuklam sa mga diyus-diyosan, ninanakawan mo ba ang mga templo? Ikaw na nagmamalaki dahil sa kautusan, nilalapastangan mo ba ang Diyos sa pamamagitan ng paglabag sa kautusan? "Sapagkat ang pangalan ng Diyos ay nalalait sa mga Hentil dahil sa inyo," gaya ng nasusulat. Sapagkat tunay na may kabuluhan ang pagtutuli kung tinutupad mo ang kautusan; ngunit kung ikaw ay sumusuway sa kautusan, ang iyong pagtutuli ay nagiging di pagtutuli. Kaya't kung ang di pagtutuli ay tumutupad sa mga itinatakda ng kautusan, hindi ba ibibilang na pagtutuli ang kanilang di pagtutuli? Kaya't ang mga di tuli sa laman, subalit tumutupad ng kautusan, ay hahatol sa iyo na may kautusang nakasulat at may pagtutuli ngunit sumusuway sa kautusan. Sapagkat ang isang tao'y hindi Judio sa panlabas lamang; ni ang pagtutuli ay hindi panlabas o sa laman. Kundi ang isang tao'y Judio sa kalooban; at ang pagtutuli yaong sa puso, sa espiritu at hindi sa titik; ang kanyang pagpupuri ay hindi mula sa mga tao, kundi mula sa Diyos. Ano nga ang kalamangan ng Judio? O ano ang pakinabang sa pagtutuli? Napakarami. Ang una sa lahat, ipinagkatiwala sa kanila ang mga aral ng Diyos. Ano nga kung ang ilan ay hindi tapat? Ang kanila bang kawalan ng katapatan ay nagpapawalang saysay sa katapatan ng Diyos? Huwag nawang mangyari! Hayaang ang Diyos ay maging tapat, kahit na ang bawat tao'y sinungaling, gaya ng nasusulat, "Upang ikaw ay ariing-ganap sa iyong mga salita, at magtagumpay ka kapag ikaw ay hinatulan." Subalit kung ang ating kasamaan ay nagpapatibay sa katarungan ng Diyos, ano ang ating sasabihin? Ang Diyos ba ay di makatarungan sa paglalapat ng parusa sa atin? (Nagsasalita ako sa paraan ng tao.) Huwag nawang mangyari! Sapagkat kung gayo'y paano hahatulan ng Diyos ang sanlibutan? Subalit kung sa pamamagitan ng aking kasinungalingan ay sumagana ang katotohanan ng Diyos sa ikaluluwalhati niya, bakit hinahatulan pa rin akong tulad sa isang makasalanan? At bakit hindi sabihin (gaya ng paninirang puri sa atin ng iba na nagpapatotoo na sinasabi raw natin), "Gumawa tayo ng masama upang dumating ang mabuti?" Ang kahatulan sa kanila ay nararapat. Ano ngayon? Tayo bang mga Judio ay nakakalamang? Hindi, kahit na sa anong paraan; sapagkat amin nang napatunayan na ang lahat ng tao, maging mga Judio at mga Griyego, ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan, gaya ng nasusulat, "Walang matuwid, wala, wala kahit isa; wala ni isang nakakaunawa, wala ni isang humahanap sa Diyos. Lahat ay lumihis, sama-sama silang nawalan ng kabuluhan; walang gumagawa ng mabuti, wala, wala kahit isa." "Ang kanilang lalamunan ay isang libingang bukas; sa pamamagitan ng kanilang mga dila ay umagawa sila ng pandaraya." "Ang kamandag ng mga ulupong ay nasa ilalim ng kanilang mga labi." "Ang kanilang bibig ay puno ng panunumpa at kapaitan." "Ang kanilang mga paa ay matutulin sa pagpapadanak ng dugo; pagkawasak at kalungkutan ang nasa kanilang mga landas, at ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nakilala." "Walang takot sa Diyos sa kanilang mga mata." Ngayon ay nalalaman natin na anumang sinasabi ng kautusan, iyon ay sinasabi sa mga nasa ilalim ng kautusan; upang matahimik ang bawat bibig, at ang buong sanlibutan ay mapasailalim ng hatol ng Diyos. Sapagkat sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay "walang tao na ituturing na ganap sa paningin niya," sapagkat sa pamamagitan ng kautusan ay ang pagkakilala ng kasalanan. Subalit ngayon ay ipinahahayag ang pagiging matuwid ng Diyos na hiwalay sa kautusan at pinatotohanan ng kautusan at ng mga propeta; ang pagiging matuwid ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo sa lahat ng mga sumasampalataya. Sapagkat walang pagkakaiba, yamang ang lahat ay nagkasala, at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos; sila ngayon ay itinuturing na ganap ng kanyang biyaya bilang kaloob sa pamamagitan ng pagtubos na na kay Cristo Jesus; na siyang inialay ng Diyos bilang handog na pantubos sa pamamagitan ng kanyang dugo na mabisa sa pamamagitan ng pananampalataya. Ito ay kanyang ginawa upang maipakita ang pagiging matuwid ng Diyos, sapagkat sa kanyang banal na pagtitiis ay kanyang pinalampas ang mga kasalanang nagawa sa nakaraan; upang mapatunayan sa panahong kasalukuyan na siya'y matuwid at upang siya'y maging ganap at taga-aring ganap sa taong mayroong pananampalataya kay Jesus, Kaya nasaan ang pagmamalaki? Ito'y hindi kasama. Sa pamamagitan ng anong kautusan? Ng mga gawa? Hindi, kundi sa pamamagitan ng kautusan ng pananampalataya. Sapagkat pinaninindigan natin na ang tao ay itinuturing na ganap sa pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng kautusan. O ang Diyos ba ay Diyos ng mga Judio lamang? Hindi ba Diyos din siya ng mga Hentil? Oo, ng mga Hentil din naman; yamang iisa ang Diyos, na kanyang ituturing na ganap ang pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya, at ang di pagtutuli sa pamamagitan ng pananampalataya. Kung gayon, pinawawalang saysay ba natin ang kautusan sa pamamagitan ng pananampalataya? Huwag nawang mangyari; kundi pinagtitibay pa nga natin ang kautusan. Ano nga ang ating sasabihin na natuklasan ni Abraham na ating ninuno ayon sa laman? Sapagkat kung si Abraham ay itinuring na ganap sa pamamagitan ng mga gawa, ay mayroon sana siyang ipagmamalaki, ngunit hindi sa Diyos. Sapagkat ano ang sinasabi ng kasulatan? "Sumampalataya si Abraham sa Diyos, at iyon ay ibinilang sa kanya na katuwiran." Ngayon sa gumagawa, ang kabayaran ay hindi itinuturing na biyaya, kundi siyang talagang nararapat. Ngunit sa kanya na hindi gumagawa, kundi sumasampalataya sa kanya na umaaring-ganap sa masamang tao, ang kanyang pananampalataya ay itinuturing na katuwiran. Gaya naman ng sinasabi ni David tungkol sa pagiging mapalad ng tao na itinuturing ng Diyos na matuwid na hiwalay sa gawa: "Mapapalad ang mga pinatatawad sa kanilang mga masasamang gawa, at ang mga tinakpan ang kanilang mga kasalanan. Mapalad ang tao na hindi ibibilang laban sa kanya ng Panginoon ang kasalanan." Ipinahayag nga ba ang pagiging mapalad na ito sa pagtutuli, o gayundin sa di pagtutuli? Sapagkat sinasabi natin, "Ang pananampalataya ay ibinilang na pagiging matuwid kay Abraham." Paano nga ito ibinilang? Iyon ba'y bago siya tinuli o nang tuli na siya? Iyon ay hindi pagkatapos na siya ay tuliin, kundi bago siya tinuli. Tinanggap niya ang tanda ng pagtutuli, na isang tatak ng pagiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya na nasa kanya nang siya'y di pa tuli. Ang layunin ay upang siya'y maging ama ng mga sumasampalataya, bagaman sila'y di tuli, at upang ang pagiging matuwid ay maibilang din sa kanila, gayundin ang ama ng pagtutuli na hindi lamang sa mga pagtutuli kundi pati naman sa mga sumusunod sa mga hakbang ng pananampalataya na taglay ng ating amang si Abraham na nasa kanya bago siya tinuli. Sapagkat ang pangako na kanyang mamanahin ang sanlibutan ay hindi dumating kay Abraham o sa kanyang binhi sa pamamagitan ng kautusan kundi sa pamamagitan ng pagiging matuwid ng pananampalataya. Sapagkat kung silang nasa kautusan ang siyang mga tagapagmana, walang kabuluhan ang pananampalataya, at pinawawalang saysay ang pangako. Sapagkat ang kautusan ay gumagawa ng galit; ngunit kung saan walang kautusan ay wala ring paglabag. Dahil dito, iyon ay batay sa pananampalataya, upang maging ayon sa biyaya; upang ang pangako ay maging tiyak para sa lahat ng binhi, hindi lamang sa nasa kautusan, kundi pati naman sa nasa pananampalataya ni Abraham (na ama nating lahat, gaya ng nasusulat, "Ginawa kitang ama ng maraming bansa") sa harapan ng Diyos na kanyang sinampalatayanan, na nagbibigay-buhay sa mga patay, at ang mga bagay na hindi buhay noon ay binubuhay niya ngayon. Umaasa kahit wala nang pag-asa, siya'y sumampalataya na siya'y magiging "ama ng maraming bansa" ayon sa sinabi, "Magiging napakarami ang iyong binhi." Hindi siya nanghina sa pananampalataya, itinuring niya ang sariling katawan tulad sa patay na (sapagkat siya'y may mga isandaang taon na noon), at ang pagkabaog ng bahay-bata ni Sarah. Gayunman, hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos sa pamamagitan ng di paniniwala, kundi pinalakas siya ng pananampalataya habang niluluwalhati niya ang Diyos, at lubos na naniwala na kayang gawin ng Diyos ang kanyang ipinangako. Kaya't ang kanyang pananampalataya ay ibinilang na katuwiran sa kanya. Ngayo'y hindi lamang dahil sa kanya isinulat ang salitang, "sa kanya'y ibinilang," kundi dahil din naman sa atin, na ibibilang sa atin na mga sumasampalataya sa kanya na muling bumuhay kay Jesus na ating Panginoon mula sa mga patay, na ibinigay sa kamatayan dahil sa ating mga pagsuway at muling binuhay upang tayo'y ariing-ganap. Kaya't yamang tayo'y inaring-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon tayong kapayapaan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sa pamamagitan niya'y nakalapit tayo sa biyayang ito na ating pinaninindigan, at nagagalak tayo sa pag-asa ng kaluwalhatian ng Diyos. At hindi lamang gayon, kundi nagagalak rin tayo sa ating mga kapighatian sa pagkaalam na ang kapighatian ay nagbubunga ng pagtitiis, at ang pagtitiis ng pagpapatibay; at ang pagpapatibay ng pag-asa. At hindi tayo binibigo ng pag-asa, sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ibinigay sa atin. Sapagkat noong tayo ay mahihina pa, sa tamang panahon si Cristo ay namatay para sa masasama. Sapagkat bihirang mangyari na ang isang tao'y mamatay alang-alang sa isang taong matuwid; bagama't alang-alang sa isang mabuting tao marahil ay may mangangahas mamatay. Subalit pinatutunayan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin, na noong tayo'y mga makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin. Lalo pa nga, ngayong itinuturing tayong ganap sa pamamagitan ng kanyang dugo, ay maliligtas tayo sa galit ng Diyos sa pamamagitan niya. Sapagkat kung noon ngang tayo'y mga kaaway, ay pinakipagkasundo tayo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kanyang Anak, lalo ngayong ipinagkasundo na, ay maliligtas tayo sa pamamagitan ng kanyang buhay. At hindi lamang gayon, kundi tayo'y nagagalak rin sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya'y tinamo natin ngayon ang pakikipagkasundo. Kaya't kung paanong sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan, at sa pamamagitan ng kasalanan ay ang kamatayan, kaya't dumating sa lahat ng mga tao ang kamatayan, sapagkat ang lahat ay nagkasala; tunay na ang kasalanan ay nasa sanlibutan bago pa dumating ang kautusan, ngunit hindi ibinibilang ang kasalanan kung walang kautusan. Gayunman ang kamatayan ay naghari mula kay Adan hanggang kay Moises, kahit sa kanila na hindi nagkasala ng tulad sa paglabag ni Adan, na siyang anyo ng isa na darating. Subalit ang kaloob na walang bayad ay hindi gaya ng pagsuway. Sapagkat kung sa pamamagitan ng pagsuway ng isa ang marami ay namatay, lalo pang sumagana para sa marami ang biyaya ng Diyos, at ang kaloob dahil sa biyaya ng isang tao, na si Jesu-Cristo. At ang kaloob na walang bayad ay hindi gaya ng ibinunga ng pagkakasala ng isang tao; sapagkat ang kahatulan na dumating na kasunod ng pagkakasala ng isa ay nagbunga ng paghatol, subalit ang kaloob na walang bayad na kasunod ng maraming pagsuway ay nagbunga ng pag-aaring-ganap. Sapagkat kung paanong sa pagsuway ng isa ay naghari ang kamatayan sa pamamagitan ng isa; ang tumatanggap ng kasaganaan ng biyaya at kaloob ng pagiging matuwid ay lalo pang maghahari sa buhay sa pamamagitan ng isa, si Jesu-Cristo. Kaya't kung paanong sa pamamagitan ng isang pagsuway ay dumating ang kahatulan sa lahat ng mga tao; gayundin naman sa pamamagitan ng isang matuwid na gawa ay dumating sa lahat ng mga tao ang pagaaring-ganap at buhay. Sapagkat kung paanong sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao ang marami ay naging mga makasalanan, gayundin sa pamamagitan ng pagsunod ng isa ang marami ay magiging mga matuwid. Subalit dumating ang kautusan na nagbunga ng pagdami ng pagsuway, ngunit kung saan marami ang kasalanan, ay lalong dumarami ang biyaya; upang, kung paanong ang kasalanan ay naghari sa kamatayan, ay gayundin naman ang biyaya ay makapaghahari sa pamamagitan ng pagiging matuwid tungo sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin. Ano nga ang ating sasabihin? Magpapatuloy ba tayo sa pagkakasala upang ang biyaya ay sumagana? Huwag nawang mangyari. Tayong mga namatay na sa pagkakasala, paano nga tayong mabubuhay pa roon? O hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na mga nabautismuhan kay Cristo Jesus ay mga nabautismuhan tungo sa kanyang kamatayan? Kaya't tayo ay inilibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo tungo sa kamatayan; na kung paanong si Cristo ay muling nabuhay mula sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, gayundin naman tayo'y makakalakad sa panibagong buhay. Sapagkat kung tayo'y naging kasama niya na katulad ng kanyang kamatayan, ay magkakagayon din naman tayo sa kanyang muling pagkabuhay. Nalalaman natin na ang ating dating pagkatao ay kasama niyang ipinako sa krus, upang ang katawang makasalanan ay mawalan ng bisa, at upang tayo'y hindi na magpaalipin pa sa kasalanan; sapagkat ang namatay ay pinalaya na mula sa kasalanan. Subalit kung tayo'y namatay na kasama ni Cristo, sumasampalataya tayo na mabubuhay ding kasama niya. Nalalaman nating si Cristo na nabuhay mula sa mga patay ay hindi na mamamatay; ang kamatayan ay wala nang paghahari sa kanya. Sapagkat ang kamatayan na ikinamatay niya ay kanyang ikinamatay sa kasalanan nang minsanan; ngunit ang buhay na kanyang ikinabubuhay ay kanyang ikinabubuhay sa Diyos. Gayundin naman kayo, ituring ninyong kayo'y tunay na mga patay na sa kasalanan, ngunit mga nabubuhay sa Diyos kay Cristo Jesus. Kaya't huwag ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayan, upang masunod ang mga pagnanasa nito. At huwag din ninyong ihandog ang mga bahagi ng inyong katawan sa kasalanan bilang kasangkapan ng kasamaan tungo sa kasalanan, kundi ihandog ninyo ang inyong sarili sa Diyos, na tulad sa mga buhay mula sa mga patay, at ang mga bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan ng pagiging matuwid tungo sa Diyos. Sapagkat ang kasalanan ay hindi makapaghahari sa inyo, sapagkat wala kayo sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng biyaya. Ano nga? Magkakasala ba tayo, dahil tayo'y wala sa ilalim ng kautusan, kundi nasa ilalim ng biyaya? Huwag nawang mangyari. Hindi ba ninyo nalalaman na kung kanino ninyo inihahandog ang inyong mga sarili bilang alipin sa pagsunod, kayo'y mga alipin niya na inyong sinusunod; maging ng kasalanan tungo sa kamatayan, o ng pagsunod tungo sa pagiging matuwid? Ngunit salamat sa Diyos, na bagama't kayo'y dating mga alipin ng kasalanan, kayo'y taos-pusong sumunod sa anyo ng aral na doon ay ipinagkatiwala kayo. At pagkatapos na mapalaya kayo sa kasalanan ay naging mga alipin kayo sa paggawa ng matuwid. Nagsasalita ako ayon sa pamamaraan ng tao dahil sa kahinaan ng inyong laman. Sapagkat kung paanong inihandog ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin ng karumihan tungo sa higit at higit pang kasamaan, ngayon naman ay ihandog ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin sa paggawa ng matuwid tungo sa kabanalan. Sapagkat nang kayo ay mga alipin pa ng kasalanan, kayo'y malalaya tungkol sa pagiging matuwid. Kaya't ano ngang bunga mayroon kayo sa mga bagay na ngayo'y ikinahihiya ninyo? Sapagkat ang kahihinatnan ng mga bagay na iyon ay kamatayan. Subalit ngayong pinalaya na kayo sa kasalanan at naging mga alipin ng Diyos, na nagbubunga naman ng kabanalan, ang kahihinatnan ay buhay na walang hanggan. Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; ngunit ang kaloob ng Diyos na walang bayad ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin. O hindi ba ninyo nalalaman, mga kapatid (sapagkat ako'y nagsasalita sa mga nakakaalam ng kautusan), na ang kautusan ay umiiral lamang sa tao habang siya'y nabubuhay pa? Sapagkat ang asawang babae ay itinali ng kautusan sa asawang lalaki habang ito ay nabubuhay; ngunit kung mamatay ang asawang lalaki, siya ay nakalagan na sa kautusan ng asawang lalaki. Kaya nga, kung siya'y makikipisan sa ibang lalaki habang nabubuhay pa ang asawang lalaki, siya'y tatawaging mangangalunya; ngunit kung mamatay ang asawang lalaki siya ay malaya na sa kautusan, at siya'y hindi isang mangangalunya kung siya man ay makipisan sa ibang lalaki. Gayundin naman, mga kapatid ko, kayo'y namatay sa kautusan sa pamamagitan ng katawan ni Cristo; upang kayo'y makipisan sa iba, samakatuwid ay sa kanya na bumangon mula sa mga patay upang tayo'y magbunga para sa Diyos. Sapagkat nang tayo'y nasa laman pa, ang mga pagnanasa ng mga kasalanan na pawang sa pamamagitan ng kautusan ay gumagawa sa mga bahagi ng ating katawan upang magbunga para sa kamatayan. Subalit ngayon tayo'y nakalagan sa kautusan, yamang tayo'y namatay doon sa umalipin sa atin, upang makapaglingkod sa bagong buhay sa Espiritu, at hindi sa lumang batas na nakasulat. Ano nga ang ating sasabihin? Ang kautusan ba'y kasalanan? Huwag nawang mangyari. Gayunma'y hindi ko sana nakilala ang kasalanan, kung hindi sa pamamagitan ng kautusan; sapagkat hindi ko sana nakilala ang pag-iimbot kung hindi sinasabi ng kautusan, "Huwag kang mag-iimbot." Ngunit ang kasalanan, pagkakita ng pagkakataon sa pamamagitan ng utos, ay gumawa sa akin ng sari-saring pag-iimbot, sapagkat kung walang kautusan ang kasalanan ay patay. Minsan ako'y nabubuhay na hiwalay sa kautusan; subalit nang dumating ang utos, ay muling nabuhay ang kasalanan, at ako'y namatay, at ang utos na tungo sa buhay ay natuklasan kong ito'y tungo sa kamatayan. Sapagkat ang kasalanan, pagkakita ng pagkakataon sa pamamagitan ng utos, ay dinaya ako, at sa pamamagitan nito ay pinatay ako. Kaya't ang kautusan ay banal, at ang utos ay banal, at matuwid, at mabuti. Kung gayon, ang mabuti ba ang nagdala ng kamatayan sa akin? Hindi, kailanman! Kundi ang kasalanan na gumagawa ng kamatayan sa akin sa pamamagitan ng mabuti, upang ang kasalanan ay maihayag na kasalanan, at sa pamamagitan ng utos ay maging lubos na makasalanan. Sapagkat nalalaman natin na ang kautusan ay espirituwal, ngunit ako'y makalaman, na ipinagbili sa ilalim ng kasalanan. Sapagkat ang ginagawa ko'y hindi ko nalalaman; sapagkat ang hindi ko nais, ang ginagawa ko; subalit ang kinapopootan ko, iyon ang ginagawa ko. Ngunit kung ang hindi ko nais ang siya kong ginagawa, sumasang-ayon ako na mabuti ang kautusan. Subalit ngayo'y hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang nananatili sa akin. Sapagkat nalalaman ko na walang mabuti na nananatili sa akin, samakatuwid ay sa aking laman. Ang pagnanais ng mabuti ay nasa akin, subalit hindi ko iyon magawa. Sapagkat ang mabuti na aking nais ay hindi ko ginagawa, ngunit ang masama na hindi ko nais ay siya kong ginagawa. Subalit kung ang hindi ko nais ang siya kong ginagawa, ay hindi na ako ang gumagawa nito, kundi ang kasalanang nananatili sa akin. Kaya nga natagpuan ko ang isang kautusan na kung ibig kong gumawa ng mabuti, ang kasamaan ay malapit. Sapagkat ako'y nagagalak sa kautusan ng Diyos sa kaibuturan ng aking pagkatao. Subalit nakikita ko ang kakaibang kautusan sa aking mga bahagi na nakikipagbaka laban sa kautusan ng aking pag-iisip, at ako'y binibihag sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa bahagi ng aking katawan. Kahabag-habag na tao ako! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito ng kamatayan? Ngunit salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin. Kaya nga, ako mismo ay naglilingkod sa kautusan ng Diyos sa pamamagitan ng aking pag-iisip, ngunit sa pamamagitan ng laman ay sa kautusan ng kasalanan. Ngayon nga'y wala nang kahatulan sa mga na kay Cristo Jesus. Sapagkat ang kautusan ng Espiritu ng buhay na na kay Cristo Jesus ay nagpalaya sa atin mula sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan. Sapagkat ang hindi magawa ng kautusan, yamang ito ay pinahina ng laman, ay ginawa ng Diyos sa pagsusugo sa kanyang sariling Anak sa anyo ng makasalanang laman, at tungkol sa kasalanan ay hinatulan niya ang kasalanan sa laman, upang ang makatuwirang itinatakda ng kautusan ay matupad sa atin, na hindi lumalakad ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu. Sapagkat ang mga ayon sa laman ay nagtutuon ng kanilang isipan sa mga bagay ng laman; subalit ang mga ayon sa Espiritu ay sa mga bagay ng Espiritu. Sapagkat ang kaisipan ng laman ay kamatayan; subalit ang kaisipan ng Espiritu ay buhay at kapayapaan. Sapagkat ang kaisipan ng laman ay pagkapoot laban sa Diyos; sapagkat hindi ito napapasakop sa kautusan ng Diyos, ni hindi nga maaari; at ang mga nasa laman ay hindi makapagbibigay-lugod sa Diyos. Ngunit kayo'y wala sa laman, kundi nasa Espiritu, yamang nananatili sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Subalit kung ang sinuma'y walang Espiritu ni Cristo, siya'y hindi sa kanya. At kung si Cristo ay nasa sa inyo, ang katawan ay patay dahil sa kasalanan; ngunit ang espiritu ay buhay dahil sa katuwiran. Ngunit kung ang Espiritu niyaong bumuhay na muli kay Jesus ay nananatili sa inyo, siya na bumuhay na muli kay Cristo mula sa mga patay ay magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan ng kanyang Espiritu na naninirahan sa inyo. Kaya nga, mga kapatid, mga may utang tayo, hindi sa laman, upang mamuhay ayon sa laman; sapagkat kung mamuhay kayo ayon sa laman, kayo ay mamamatay, subalit kung sa pamamagitan ng Espiritu ay pinapatay ninyo ang mga gawa ng laman, kayo ay mabubuhay. Sapagkat ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay sila ang mga anak ng Diyos. Sapagkat hindi kayo tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin upang muling matakot, kundi tumanggap kayo ng espiritu ng pagkukupkop, na dahil dito'y tumatawag tayo, "Abba! Ama!" Ang Espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo'y mga anak ng Diyos. At kung mga anak, ay mga tagapagmana rin, mga tagapagmana ng Diyos, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo; kung tunay ngang nagtitiis tayong kasama niya, upang tayo'y luwalhatiin namang kasama niya. Itinuturing ko na ang pagtitiis sa panahong kasalukuyan ay hindi karapat-dapat maihambing sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin. Sapagkat ang masidhing inaasam ng sangnilikha ay ang inaasahang paghahayag ng mga anak ng Diyos. Sapagkat ang sangnilikha ay nasakop ng kawalang kabuluhan, hindi sa kanyang kalooban, kundi dahil doon sa sumakop sa kanya, sa pag-asa na ang sangnilikha naman ay mapapalaya mula sa pagkaalipin sa kabulukan tungo sa kalayaan ng kaluwalhatian ng mga anak ng Diyos. Sapagkat nalalaman natin na ang buong sangnilikha ay sama-samang dumaraing at naghihirap sa pagdaramdam hanggang ngayon. At hindi lamang sangnilikha, kundi pati naman tayo na mayroong mga unang bunga ng Espiritu, na tayo nama'y dumaraing din sa ating mga sarili, sa masidhing paghihintay ng pagkukupkop, ang pagtubos sa ating katawan. Sapagkat tayo'y iniligtas sa pamamagitan ng pag-asang ito, ngunit ang pag-asang nakikita ay hindi pag-asa, sapagkat sino nga ang umaasa sa nakikita? Subalit kung umaasa tayo sa hindi natin nakikita, hinihintay natin itong may pagtitiis. At gayundin naman, ang Espiritu ay tumutulong sa ating kahinaan; sapagkat hindi tayo marunong manalangin nang nararapat; ngunit ang Espiritu mismo ang namamagitan na may mga daing na hindi maipahayag; ngunit ang Diyos na sumisiyasat ng mga puso ay nakakaalam kung ano ang kaisipan ng Espiritu, sapagkat siya ang namamagitan dahil sa mga banal ayon sa kalooban ng Diyos. At nalalaman natin na sa lahat ng mga bagay ang Diyos ay gumagawa sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya, sa kanila na mga tinawag alinsunod sa kanyang layunin. Sapagkat ang mga nakilala niya nang una pa ay itinalaga naman niya na maging katulad sa larawan ng kanyang Anak, upang siya ang maging panganay sa maraming magkakapatid; at yaong mga itinalaga niya ay kanya namang tinawag at ang mga tinawag niya ay itinuring niyang ganap; at ang mga itinuring na ganap ay niluwalhati din naman niya. Ano nga ang ating sasabihin sa mga bagay na ito? Kung ang Diyos ay kakampi natin, sino ang laban sa atin? Siya na hindi ipinagkait ang kanyang sariling Anak, kundi ibinigay dahil sa ating lahat, bakit naman hindi ibibigay sa atin nang walang bayad ang lahat ng mga bagay? Sino ang magsasakdal ng anuman laban sa mga pinili ng Diyos? Ang Diyos ang siyang umaaring-ganap. Sino ang hahatol? Si Cristo Jesus na namatay, oo, siyang muling binuhay mula sa mga patay, na siya ring nasa kanan ng Diyos, na siya ring namamagitan para sa atin. Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kahirapan ba, o ang kapighatian, o ang pag-uusig, o ang taggutom, o ang kahubaran, o ang panganib, o ang tabak? Gaya ng nasusulat, "Dahil sa iyo kami'y pinapatay sa buong araw; kami ay itinuring na mga tupa sa katayan." Ngunit sa lahat ng mga bagay na ito, tayo'y higit pa sa mga nagtatagumpay sa pamamagitan niya na sa atin ay umibig. Sapagkat ako'y naniniwalang lubos, na kahit ang kamatayan man, ni ang buhay, ni ang mga anghel, ni ang mga pinuno, ni ang mga bagay na kasalukuyan, ni ang mga bagay na darating, ni ang mga kapangyarihan, ni ang kataasan, ni ang kalaliman, ni ang alin pa mang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos, na na kay Cristo Jesus na Panginoon natin. Sinasabi ko ang katotohanang na kay Cristo; hindi ako nagsisinungaling, ito'y pinatotohanan ng aking budhi sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na mayroon akong malaking kalungkutan at walang tigil na kirot sa aking puso. Sapagkat mamagalingin ko pang ako ay sumpain at mawalay kay Cristo alang-alang sa aking mga kapatid, na aking mga kamag-anak ayon sa laman. Sila'y mga Israelita, na sa kanila ang pagkukupkop, at ang kaluwalhatian, at ang mga tipan, at ang pagtanggap sa kautusan, at ang pagsamba at ang mga pangako; sa kanila ang mga patriyarka, at sa kanila nagmula ang Cristo ayon sa laman, na siyang nangingibabaw sa lahat, Diyos na maluwalhati magpakailanman. Amen. Subalit hindi sa ang salita ng Diyos ay nabigo. Sapagkat hindi lahat ng buhat sa Israel ay kabilang sa Israel; ni hindi rin dahil sila'y binhi ni Abraham ay mga anak na silang lahat, kundi, "Kay Isaac tatawagin ang iyong binhi." Samakatuwid, ay hindi mga anak sa laman ang mga anak ng Diyos, kundi ang mga anak ng pangako ay siyang itinuturing bilang binhi. Sapagkat ito ang salita ng pangako, "Sa mga ganito ring panahon ay darating ako, at magkakaroon si Sarah ng isang anak na lalaki." At hindi lamang iyon; kundi gayundin kay Rebecca nang siya'y naglihi sa pamamagitan ng isang lalaki, na si Isaac na ating ama. Sapagkat bagaman ang mga anak ay hindi pa isinisilang, at hindi pa nakakagawa ng anumang mabuti o masama, (upang ang layunin ng Diyos ay manatili alinsunod sa pagpili, na hindi sa pamamagitan ng mga gawa, kundi doon sa tumatawag) ay sinabi sa kanya, "Ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata." Gaya ng nasusulat, "Si Jacob ay aking minahal, ngunit si Esau ay aking kinasuklaman." Ano nga ang ating sasabihin? May kawalang katarungan ba sa Diyos? Huwag nawang mangyari. Sapagkat sinasabi niya kay Moises, "Ako'y maaawa sa aking kinaaawaan, at ako'y mahahabag sa aking kinahahabagan." Kaya ito ay hindi ayon sa kalooban o pagsisikap ng tao, kundi ayon sa habag ng Diyos. Sapagkat sinasabi ng kasulatan kay Faraon, "Dahil sa layuning ito, ay itinaas kita, upang aking maipakita sa pamamagitan mo ang aking kapangyarihan, at upang ang aking pangalan ay maipahayag sa buong lupa." Kaya nga siya'y may awa sa kanyang maibigan, at kanyang pinagmamatigas ang puso ng sinumang kanyang maibigan. Kaya't sasabihin mo sa akin, "Bakit humahanap pa siya ng kamalian? Sapagkat sino ang makakasalungat sa kanyang kalooban?" Ngunit, sino ka, O tao, na makikipagtalo sa Diyos? Sasabihin ba ng bagay na hinubog doon sa humubog sa kanya, "Bakit mo ako ginawang ganito?" O wala bang karapatan ang magpapalayok sa luwad, upang gumawa mula sa iisang limpak ng isang sisidlan para sa marangal na gamit at ang isa'y para sa pangkaraniwang gamit? Ano nga kung sa pagnanais ng Diyos na ipakita ang kanyang poot, at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, ay nagtitiis na may pagtitiyaga sa mga kinapopootan niya na inihanda para sa pagkawasak; upang maipakilala niya ang kayamanan ng kanyang kaluwalhatian sa mga kinaaawaan, na kanyang inihanda nang una pa para sa kaluwalhatian, maging sa atin na kanyang tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi mula rin sa mga Hentil? Gaya naman ng sinasabi niya sa Hoseas, "Tatawagin kong 'aking bayan' ang hindi ko dating bayan; at 'minamahal' ang hindi dating minamahal." "At mangyayari, na sa lugar na kung saan ay sinabi sa kanila, 'Kayo'y hindi ko bayan,' doon sila tatawaging 'mga anak ng Diyos na buhay.' " At si Isaias ay sumisigaw tungkol sa Israel, "Bagaman ang bilang ng mga anak ng Israel ay maging tulad ng buhangin sa dagat, ang nalalabi lamang ang maliligtas: sapagkat mabilis at tiyak na isasagawa ng Panginoon ang kanyang salita sa lupa." At gaya ng sinabi nang una ni Isaias, "Kung hindi nag-iwan sa atin ng isang binhi ang Panginoon ng mga hukbo, tayo'y naging katulad sana ng Sodoma, at naging gaya ng Gomorra." Ano nga ang ating sasabihin? Ang mga Hentil na hindi nagsumikap sa katuwiran ay nagkamit ng katuwiran, samakatuwid ay katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya; ngunit ang Israel na nagsusumikap sa katuwiran sa pamamagitan ng kautusan, ay hindi nakaabot sa pagsunod sa kautusang iyon. Bakit? Sapagkat hindi nila pinagsikapan iyon batay sa pananampalataya, kundi batay sa mga gawa. Sila'y natisod sa batong katitisuran, gaya ng nasusulat, "Tingnan ninyo, inilalagay ko sa Zion ang isang batong ikabubuwal at batong katitisuran, at ang sumasampalataya sa kanya'y hindi malalagay sa kahihiyan." Mga kapatid, ang nais ng aking puso at ang dalangin ko sa Diyos alang-alang sa kanila ay ang sila ay maligtas. Ako'y makapagpapatotoo na sila'y may sigasig para sa Diyos, subalit hindi ayon sa kaalaman. Sapagkat sa kanilang pagiging mangmang sa katuwiran ng Diyos, at sa pagsisikap nilang maitayo ang sariling pagiging matuwid ay hindi sila nagpasakop sa pagiging matuwid ng Diyos. Sapagkat si Cristo ang kinauuwian ng kautusan upang maging matuwid ang bawat sumasampalataya. Sapagkat sumusulat si Moises tungkol sa pagiging matuwid na batay sa kautusan, na "ang taong gumagawa ng mga bagay na ito ay mabubuhay sa mga ito." Ngunit sinasabi ng pagiging matuwid na batay sa pananampalataya ang ganito, "Huwag mong sabihin sa iyong puso, 'Sino ang aakyat sa langit?' " (Ito ay upang ibaba si Cristo.) "O, 'Sino ang mananaog sa kailaliman?' " (Ito ay upang iakyat si Cristo mula sa mga patay.) Ngunit ano ang sinasabi nito? "Ang salita ay malapit sa iyo, nasa iyong bibig, at sa iyong puso." Ito ay ang salita ng pananampalataya na aming ipinangangaral. Sapagkat kung ipahahayag mo sa pamamagitan ng iyong bibig si Jesus na Panginoon, at sasampalataya ka sa iyong puso na binuhay siyang muli ng Diyos mula sa mga patay, ay maliligtas ka. Sapagkat sa puso ang tao'y nananampalataya kaya't itinuturing na ganap, at sa pamamagitan ng bibig ay nagpapahayag kaya't naliligtas. Sapagkat sinasabi ng kasulatan, "Ang bawat sumasampalataya sa kanya ay hindi malalagay sa kahihiyan." Sapagkat walang pagkakaiba sa Judio at Griyego; sapagkat ang Panginoon ay siya ring Panginoon ng lahat, at siya'y mapagbigay sa lahat ng tumatawag sa kanya. Sapagkat, "Ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas." Ngunit paano nga silang tatawag sa kanya na hindi nila sinampalatayanan? At paano sila sasampalataya sa kanya na hindi nila napakinggan? At paano sila makikinig kung walang mangangaral? At paano sila mangangaral kung hindi sila sinugo? Gaya ng nasusulat, "Anong ganda ng mga paa ng mga nagdadala ng mabuting balita ng mabubuting bagay!" Subalit hindi lahat ay sumunod sa ebanghelyo. Sapagkat sinasabi ni Isaias, "Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita?" Kaya ang pananampalataya ay nanggagaling sa pakikinig, at ang pakikinig ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo. Ngunit sinasabi ko, hindi ba nila narinig? Talagang narinig nila, sapagkat "Ang tinig nila ay kumalat sa buong lupa, at ang kanilang mga salita, hanggang sa mga dulo ng daigdig." Ngunit sinasabi ko, hindi ba naunawaan ng Israel? Una ay sinasabi ni Moises, "Papanibughuin ko kayo doon sa mga hindi isang bansa, sa pamamagitan ng isang bansang hangal ay gagalitin ko kayo." At si Isaias ay buong tapang na nagsasabi, "Ako'y natagpuan nila na mga hindi humahanap sa akin; ako'y nahayag sa kanila na hindi nagtatanong tungkol sa akin." Subalit tungkol sa Israel ay sinasabi niya, "Sa buong araw ay iniunat ko ang aking mga kamay sa isang suwail at mapagsalungat na bayan." Sinasabi ko nga, itinakuwil ba ng Diyos ang kanyang bayan? Huwag nawang mangyari. Sapagkat ako man ay Israelita, mula sa binhi ni Abraham, mula sa lipi ni Benjamin. Hindi itinakuwil ng Diyos ang kanyang bayan na nang una pa'y kilala na niya. O hindi ba ninyo nalalaman ang sinasabi ng kasulatan tungkol kay Elias? Kung paanong nagmakaawa siya sa Diyos laban sa Israel? "Panginoon, pinatay nila ang iyong mga propeta, giniba nila ang iyong mga dambana; at ako'y naiwang nag-iisa, at tinutugis nila ang aking buhay." Subalit ano ang sinasabi sa kanya ng kasagutan ng Diyos? "Nagtira ako para sa akin ng pitong libong lalaki na hindi lumuhod kay Baal." Gayundin sa panahong kasalukuyan ay may nalalabi na hinirang sa pamamagitan ng biyaya. Ngunit kung ito'y sa pamamagitan ng biyaya, ito'y hindi na batay sa mga gawa; kung hindi, ang biyaya ay hindi biyaya. Ano ngayon? Ang hinahanap ng Israel ay hindi niya nakamtan, ngunit ito'y nakamtan ng hinirang at ang iba'y pinapagmatigas, ayon sa nasusulat, "Binigyan sila ng Diyos ng espiritu ng pagkakahimbing, ng mga matang hindi tumitingin, at ng mga taingang hindi nakikinig hanggang sa araw na ito." At sinasabi ni David, "Ang kanilang hapag nawa'y maging isang silo, isang bitag, isang katitisuran, at isang ganti sa kanila; magdilim nawa ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag makakita, mabaluktot nawa ang kanilang likod nang habang panahon." Sinasabi ko nga, natisod ba sila upang mahulog? Huwag nawang mangyari. Subalit sa pagkahulog nila'y dumating ang kaligtasan sa mga Hentil, upang pukawin sila sa paninibugho. Ngayon kung ang pagkahulog nila ay siyang kayamanan ng sanlibutan, at ang pagkalugi nila ay siyang kayamanan ng mga Hentil, gaano pa kaya ang lubos na panunumbalik nila? Ngayo'y nagsasalita ako sa inyong mga Hentil. Palibhasa ako nga'y isang apostol sa mga Hentil, niluluwalhati ko ang aking ministeryo baka sakaling mapukaw ko sa panibugho ang aking mga kapwa Judio at mailigtas ang ilan sa kanila. Sapagkat kung ang pagkatakuwil sa kanila ay siyang pakikipagkasundo ng sanlibutan, ano kaya ang pagtanggap sa kanila, kundi buhay mula sa mga patay? Kung ang masang inialay bilang unang bunga ay banal, ay gayundin ang buong limpak; at kung ang ugat ay banal, gayundin ang mga sanga. Subalit kung ang ilang mga sanga ay nabali, at ikaw, na isang olibong ligaw ay isinanib sa kanila, at ikaw ay naging kabahagi nila sa ugat ng katabaan ng punong olibo, huwag kang magmalaki sa mga sanga. Ngunit kung magmalaki ka, alalahanin mong hindi ikaw ang nagdadala sa ugat, kundi ang ugat ang nagdadala sa iyo. Sasabihin mo nga, "Ang mga sanga ay nabali upang ako ay maisanib." Tama; sa kawalan nila ng pananampalataya ay nabali sila, at sa iyong pananampalataya'y nakatayo ka. Huwag kang magmalaki kundi matakot ka. Sapagkat kung hindi pinanghinayangan ng Diyos ang mga likas na sanga, ikaw man ay hindi panghihinayangan. Tingnan mo nga ang kabaitan at ang kabagsikan ng Diyos: sa mga nahulog ay kabagsikan, ngunit sa iyo ay ang kabaitan ng Diyos kung mananatili ka sa kanyang kabaitan; kung hindi, ikaw man ay puputulin. At sila man, kung hindi sila magpapatuloy sa di pagsampalataya, sila ay mapapasanib, sapagkat makapangyarihan ang Diyos upang sila'y isanibnamuli. Sapagkat kung ikaw nga na pinutol mula sa likas na olibong ligaw, at salungat sa kalikasan, ay isinanib ka sa pinayabong na punong olibo; gaano pa nga ang mga ito, na mga likas na sanga na maisasanib sa kanilang sariling punong olibo? Upang kayo'y huwag magmarunong sa inyong sarili, mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang hiwagang ito, na ang pagmamatigas ay nangyari sa isang bahagi ng Israel hanggang makapasok ang buong bilang ng mga Hentil. Sa ganoon ang buong Israel ay maliligtas; gaya ng nasusulat, "Lalabas mula sa Zion ang Tagapagligtas; ihihiwalay niya ang kasamaan mula sa Jacob." "At ito ang aking tipan sa kanila, kapag inalis ko ang kanilang mga kasalanan." Tungkol sa ebanghelyo, sila'y mga kaaway alang-alang sa inyo; subalit tungkol sa paghirang, sila'y mga minamahal alang-alang sa mga ninuno. Sapagkat ang mga kaloob at ang pagtawag ng Diyos ay hindi mababago. Kung paanong kayo nang dati ay mga masuwayin sa Diyos, subalit ngayon kayo'y tumanggap ng habag sa pamamagitan ng kanilang pagsuway, gayundin naman ang mga ito na ngayon ay naging mga masuwayin upang sa pamamagitan ng habag na ipinakita sa inyo, sila rin ay tumanggap ngayon ng habag. Sapagkat kinulong ng Diyos ang lahat sa pagsuway upang siya'y mahabag sa lahat. O ang kalaliman ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman ng Diyos! Hindi masuri ang mga hatol niya, at hindi masiyasat ang kanyang mga daan! "Sapagkat sino ang nakakaalam ng pag-iisip ng Panginoon? 0 sino ang kanyang naging tagapayo?" "O sino ang nakapagbigay na sa kanya, at siya'y mababayaran?" Sapagkat mula sa kanya, at sa pamamagitan niya, at para sa kanya ang lahat ng mga bagay. Sumakanya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen. Kaya nga, mga kapatid, isinasamo ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na inyong ialay ang inyong mga katawan na isang handog na buhay, banal, na kasiya-siya sa Diyos, na siya ninyong makatuwirang paglilingkod. Huwag ninyong tularan ang sanlibutang ito; kundi magbago kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti, kasiya-siya, at lubos na kalooban ng Diyos. Sapagkat sinasabi ko, sa pamamagitan ng biyaya na ibinigay sa akin, na ang bawat isa sa inyo ay huwag mag-isip sa kanyang sarili nang higit kaysa nararapat niyang isipin; kundi mag-isip nang may katinuan, ayon sa sukat ng pananampalataya na ipinamahagi ng Diyos sa bawat isa. Sapagkat kung paanong sa isang katawan ay mayroon tayong maraming mga bahagi, at ang mga bahagi ay hindi magkakatulad ang gawain; kaya't tayo na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga bahagi na sama-sama sa isa't isa. Tayo ay may mga kaloob na magkakaiba ayon sa biyaya na ibinigay sa atin: kung propesiya ay gamitin ito ayon sa sukat ng pananampalataya; kung paglilingkod ay sa paglilingkod, o ang nagtuturo ay sa pagtuturo; o ang nangangaral ay sa pangangaral; ang nagbibigay ay magbigay na may magandang-loob; ang namumuno ay may pagsisikap; ang mahabagin ay may kasiglahan. Ang pag-ibig ay maging walang pagkukunwari. Kapootan ninyo ang masama; panghawakan ang mabuti. Magmahalan kayo na may pag-ibig bilang magkakapatid; sa pagpaparangal sa iba ay mag-unahan kayo, huwag maging tamad sa pagsisikap, maging maalab sa espiritu, na naglilingkod sa Panginoon. Magalak kayo sa pag-asa, maging matiisin sa kapighatian, matiyaga sa pananalangin. Magbigay sa mga pangangailangan ng mga banal at magmagandang-loob sa mga dayuhan. Pagpalain ninyo ang mga umuusig sa inyo; pagpalain ninyo, at huwag ninyong sumpain. Makigalak kayo sa mga nagagalak; makiiyak kayo sa mga umiiyak. Magkaisa kayo ng pag-iisip. Huwag ninyong ituon ang inyong pag-iisip sa mga palalong bagay, kundi makiayon kayo sa mga bagay na may kapakumbabaan. Huwag kayong magmagaling sa inyong mga sarili. Huwag ninyong gantihan ang sinuman ng masama sa masama. Isipin ninyo ang mga bagay na kapuripuri sa harapan ng lahat ng mga tao. Kung maaari, hanggang sa inyong makakaya, ay makipamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng mga tao. Mga minamahal, huwag ninyong ipaghiganti ang inyong sarili, kundi ipaubaya iyon sa galit ng Diyos; sapagkat nasusulat, 'Akin ang paghihiganti; ako ang gaganti, sabi ng Panginoon." Kaya't "kung ang iyong kaaway ay magutom, pakainin mo; kung siya'y mauhaw, painumin mo; sapagkat sa paggawa mo ng ganito ay mga baga ng apoy ang ibubunton mo sa kanyang ulo." Huwag kang padaig sa masama, kundi daigin mo ng mabuti ang masama. Ang bawat tao ay magpasakop sa mga namamahalang awtoridad, sapagkat walang pamamahala na hindi mula sa Diyos; at ang mga pamamahalang iyon ay itinalaga ng Diyos. Kaya't ang lumalaban sa may kapangyarihan ay lumalaban sa itinalaga ng Diyos; at ang mga lumalaban ay tatanggap ng kahatulan sa kanilang sarili. Sapagkat ang mga pinuno ay hindi kilabot sa mabuting gawa, kundi sa masama. At ibig mo bang huwag magkaroon ng takot sa may kapangyarihan? Gawin mo ang mabuti, at magkakamit ka ng kapurihan mula sa kanya: sapagkat siya'y lingkod ng Diyos para sa kabutihan mo. Ngunit kung masama ang ginagawa mo, matakot ka, sapagkat hindi walang kabuluhan ang pagdadala niya ng tabak. Siya'y lingkod ng Diyos, upang ilapat ang poot sa gumagawa ng masama. Kaya't nararapat na magpasakop, hindi lamang dahil sa galit, kundi dahil din sa budhi. Sapagkat sa gayunding dahilan ay nagbabayad din kayo ng buwis, sapagkat ang namamahala ay mga lingkod ng Diyos na patuloy na nangangasiwa sa bagay na ito. Ibigay ninyo sa lahat ang sa kanila'y nararapat: buwis sa dapat buwisan; ambag sa dapat ambagan; paggalang sa dapat igalang; parangal sa dapat parangalan. Huwag kayong magkautang ng anuman sa kaninuman, kundi mag-ibigan sa isa't isa, sapagkat ang umiibig sa kanyang kapwa'y nakatupad na ng kautusan. Ang mga utos na, "Huwag kang mangangalunya; Huwag kang papatay; Huwag kang magnanakaw; Huwag kang mag-iimbot;" at kung mayroon pang ibang utos, ay nauuwi sa salitang ito, "Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili." Ang pag-ibig ay hindi gumagawa ng masama sa kanyang kapwa; ang pag-ibig ang siyang katuparan ng kautusan. Bukod dito, alam ninyo ang panahon, na ngayo'y oras na upang magising kayo sa pagkakatulog. Sapagkat ngayon ay higit na malapit na sa atin ang kaligtasan kaysa noong tayo'y sumampalataya nang una. Malalim na ang gabi, at ang araw ay malapit na. Kaya't iwaksi na natin ang mga gawa ng kadiliman, at ating isakbat ang mga sandata ng liwanag. Lumakad tayo nang maayos, gaya ng sa araw; huwag sa kalayawan at paglalasing, huwag sa kalaswaan at sa kahalayan, huwag sa mga away at paninibugho. Kundi isuot ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo, at huwag ninyong paglaanan ang laman, upang masunod ang mga pagnanasa nito. Ngunit ang mahina sa pananampalatayao ay tanggapin ninyo, hindi upang mag-away tungkol sa mga kuru-kuro. May taong naniniwala na makakain ang lahat ng mga bagay; ngunit ang mahina ay kumakain ng mga gulay. Huwag hamakin ng kumakain ang hindi kumakain; at ang hindi kumakain ay huwag humatol sa kumakain; sapagkat sila'y tinanggap ng Diyos. Sino kang humahatol sa alipin ng iba? Sa kanyang sariling panginoon siya ay tatayo o mabubuwal. Subalit siya'y patatayuin, sapagkat magagawa ng Panginoon na siya'y tumayo. May taong nagpapahalaga sa isang araw nang higit kaysa iba, ngunit may iba namang nagpapahalaga sa bawat araw. Hayaang mapanatag ang bawat tao sa kanyang sariling pag-iisip. Ang nagpapahalaga sa araw ay nagpapahalaga nito sa Panginoon; at ang kumakain ay kumakain para sa Panginoon, sapagkat siya'y nagpapasalamat sa Diyos; at ang hindi kumakain para sa Panginoon ay hindi kumakain at nagpapasalamat sa Diyos. Walang sinuman sa atin ang nabubuhay sa kanyang sarili, at walang sinumang namamatay sa kanyang sarili. Kung nabubuhay tayo, sa Panginoon tayo'y nabubuhay; o kung namamatay tayo, sa Panginoon tayo'y namamatay. Kaya't mabuhay man tayo o mamatay, tayo'y sa Panginoon. Sapagkat dahil dito si Cristo ay namatay at muling nabuhay, upang siya'y maging Panginoon ng mga patay at gayundin ng mga buhay. At ikaw, bakit mo hinahatulan ang iyong kapatid? O ikaw naman, bakit hinahamak mo ang iyong kapatid? Sapagkat tayong lahat ay tatayo sa harapan ng hukuman ng Diyos. Sapagkat nasusulat, "Kung paanong buhay ako, sabi ng Panginoon, ang bawat tuhod ay luluhod sa akin, at ang bawat dila ay magpupuri sa Diyos." Kaya't ang bawat isa sa atin ay magbibigay-sulit sa Diyos ng kanyang sarili. Huwag na tayong humatol pa sa isa't isa; kundi ipasiya na huwag maglagay ng batong katitisuran o ng balakid sa daan ng kanyang kapatid. Nalalaman ko, at naniniwala akong lubos sa Panginoong Jesus na walang anumang bagay na marumi sa kanyang sarili, maliban doon sa nagpapalagay na ang isang bagay ay marumi, sa kanya ito ay marumi. Kung dahil sa pagkain ay nasasaktan ang kalooban ng iyong kapatid, hindi ka na lumalakad ayon sa pag-ibig. Huwag mong ipahamak dahil sa iyong pagkain ang mga taong alang-alang sa kanila ay namatay si Cristo. Huwag nga ninyong hayaan na ang inyong kabutihan ay masabing masama. Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay hindi ang pagkain at pag-inom, kundi ang pagiging matuwid, kapayapaan, at ang kagalakan sa Espiritu Santo. Sapagkat ang naglilingkod nang ganito kay Cristo ay kalugud-lugod sa Diyos, at tinatanggap ng mga tao. Kaya nga sundin natin ang mga bagay na magbubunga ng kapayapaan, at ang mga bagay na makapagpapatibay sa isa't isa. Huwag mong wasakin ang gawa ng Diyos dahil sa pagkain. Tunay na ang lahat ng mga bagay ay malilinis; gayunman ay masama para sa iyo na sa pamamagitan ng iyong kinakain ay matisod ang iba. Mabuti ang hindi kumain ng karne, ni uminom ng alak, ni gumawa ng anuman na ikatitisod ng iyong kapatid. Ang paniniwalang nasa iyo ay taglayin mo sa iyong sarili sa harapan ng Diyos. Mapalad ang hindi humahatol sa kanyang sarili dahil sa bagay na kanyang sinasang-ayunan. Ngunit ang nag-aalinlangan ay hinahatulan kung kumakain, sapagkat hindi batay sa pananampalataya; at ang anumang hindi batay sa pananampalataya ay kasalanan. Kaya't tayong malalakas ay nararapat magtiis sa kahinaan ng mahihina, at hindi upang magbigay lugod sa ating mga sarili. Bawat isa sa atin ay magbigay lugod sa kanyang kapwa para sa kanyang kabutihan, tungo sa ikatitibay niya. Sapagkat si Cristo man ay hindi nagbigay lugod sa kanyang sarili; kundi gaya ng nasusulat, "Ang mga pag-alipusta ng mga umaalipusta sa iyo ay nahulog sa akin." Sapagkat ang anumang mga bagay na isinulat noong una ay isinulat upang tayo ay matuto, upang sa pamamagitan ng pagtitiyaga at sa pagpapasigla ng mga kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa. Ngayon, ipagkaloob nawa ng Diyos ng pagtitiis at kaaliwan, na kayo ay magkaisa ng pag-iisip sa isa't isa ayon kay Cristo Jesus, upang kayo na may isang pag-iisip sa pamamagitan ng isang bibig ay luwalhatiin ninyo ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Kaya't tanggapin ninyo ang isa't isa, gaya naman ni Cristo na tinanggap kayo sa ikaluluwalhati ng Diyos. Sapagkat sinasabi ko na si Cristo ay naging lingkod sa pagtutuli upang ipakita ang katotohanan ng Diyos, upang kanyang mapagtibay ang mga pangako sa mga ninuno, at upang ang mga Hentil ay lu muwalhati sa Diyos dahil sa kanyang kahabagan, gaya ng nasusulat, "Kaya't ikaw ay aking pupurihin sa gitna ng mga Hentil. At aawit ako ng papuri sa iyong pangalan." At muling sinasabi niya, "Magalak kayo, kayong mga Hentil, kasama ng kanyang bayan." At muli, "Purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat ng mga Hentil; at purihin siya ng lahat ng mga bayan." At muli, sinasabi ni Isaias, "Darating ang ugat ni Jesse, siya ang babangon upang maghari sa mga Hentil; sa kanya aasa ang mga Hentil." Puspusin nawa kayo ng Diyos ng pag-asa, ng buong kagalakan at kapayapaan sa pananampalataya, upang kayo'y sumagana sa pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. At ako naman sa aking sarili ay naniniwalang lubos tungkol sa inyo, mga kapatid ko, na kayo man ay punung-puno ng kabutihan, pinuspos ng lahat ng kaalaman, na may kakayahang magturo sa isa't isa. Ngunit sa ibang bahagi ay sinulatan ko kayong may katapangan bilang pagpapaalala sa inyo, dahil sa biyayang sa akin ay ibinigay ng Diyos, upang ako'y maging ministro ni Cristo Jesus sa mga Hentil, na naglilingkod sa banal na gawain sa ebanghelyo ng Diyos, upang ang paghahandog ng mga Hentil ay maging kalugud-lugod, yamang ito'y ginawang banal ng Espiritu Santo. Kay Cristo Jesus, kung magkagayon, ay mayroon akong dahilan upang ipagmalaki ang tungkol sa aking gawain para sa Diyos. Sapagkat hindi ako mangangahas magsalita ng anumang bagay, maliban sa mga ginawa ni Cristo sa pamamagitan ko, upang sumunod ang mga Hentil, sa salita at sa gawa, sa kapangyarihan ng mga tanda at ng mga kababalaghan, sa kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos; kaya't buhat sa Jerusalem at sa palibot-libot hanggang sa Ilirico, ay aking ipinangaral na lubos ang ebanghelyo ni Cristo. Kaya't ginawa kong mithiin na maipangaral ang ebanghelyo hindi doon sa naipakilala na si Cristo, upang hindi ako makapagtayo sa ibabaw ng pinagsaligan ng iba, kundi, gaya ng nasusulat, "Silang hindi pa nabalitaan tungkol sa kanya ay makakakita, at silang hindi pa nakarinig ay makakaunawa." Ito ang dahilan kaya't madalas akong nahahadlangan sa pagpunta sa inyo. Subalit ngayon, yamang ako ay wala ng lugar para sa gawain sa mga lupaing ito, at yamang matagal ko nang nais na pumunta sa inyo, inaasahan kong makikita ko kayo sa aking paglalakbay patungo sa Espanya, at ako'y tutulungan ninyo patungo doon, pagkatapos makasama kayo na may kasiyahan nang kaunting panahon. Ngunit ngayon, ako'y patungong Jerusalem, upang maglingkod sa mga banal. Sapagkat minabuti ng Macedonia at ng Acaia na gumawa ng isang ambagang laan sa mga dukha sa mga banal na nasa Jerusalem. Ito'y kalugud-lugod sa kanila; at sila ay may utang na loob sa kanila, sapagkat kung ang mga Hentil ay naging mga kabahagi sa kanilang mga bagay na espirituwal, nararapat naman nilang paglingkuran ang mga iyon sa mga bagay na ayon sa laman. Kapag nagampanan ko na ito, at aking maibigay na sa kanila ang nalikom, magdaraan ako sa inyo patungong Espanya. At nalalaman ko na pagpunta ko sa inyo, ay darating akong puspos ng pagpapala ng ebanghelyo ni Cristo. Ngayo'y isinasamo ko sa inyo, mga kapatid, alang-alang sa ating Panginoong Jesu-Cristo, at sa pag-ibig ng Espiritu, na kayo'y magsikap na kasama ko sa inyong mga panalangin sa Diyos para sa akin, upang ako'y mailigtas sa mga hindi sumasampalataya na nasa Judea, at upang ang aking pamamahagi sa Jerusalem ay maging kalugud-lugod sa mga banal; upang sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, ako'y makarating sa inyo na may kagalakan, at makapagpahingang kasama ninyo. Ngayon ang Diyos ng kapayapaan ay sumainyo nawang lahat. Amen. Ipinagtatagubilin ko inyo si Febe na ating kapatid na babae, na lingkod sa iglesya na nasa Cencrea, upang tanggapin ninyo siya sa Panginoon, ayon sa nararapat sa mga banal, at tulungan ninyo siya sa anumang bagay na kakailanganin niya sa inyo, sapagkat siya nama'y naging katulong ng marami, at ng aking sarili. Batiin ninyo si Priscila at si Aquila na aking mga kamanggagawa kay Cristo Jesus, na ipinain ang kanilang leeg para sa aking buhay, sa kanila'y hindi lamang ako ang nagpapasalamat, kundi pati ang lahat ng mga iglesya ng mga Hentil. Batiin din ninyo ang iglesya na nasa kanilang bahay. Batiin ninyo si Epeneto na minamahal ko, na siyang unang nahikayat kay Cristo sa Asia. Batiin ninyo si Maria, na lubhang maraming nagawa para sa inyo. Batiin ninyo si Andronico at si Junias, na aking mga kamag-anak, at mga kasama ko sa pagkabilanggo. Sila'y kilala sa mga apostol at sila ay nauna sa akin kay Cristo. Batiin ninyo si Ampliato na aking minamahal sa Panginoon. Batiin ninyo si Urbano na aming kamanggagawa kay Cristo, at si Estaquis na minamahal ko. Batiin ninyo si Apeles na subok kay Cristo. Batiin ninyo ang mga kasambahay ni Aristobulo. Batiin ninyo si Herodion na aking kamag-anak. Batiin ninyo ang mga kasambahay ni Narciso, yaong nasa Panginoon. Batiin ninyo si Trifena at si Trifosa, na manggagawa ng Panginoon. Batiin ninyo si Persida na minamahal, na marami ang nagawa para sa Panginoon. Batiin ninyo si Rufo na hinirang sa Panginoon, at ang kanyang ina at ina ko rin. Batiin ninyo si Asincrito, si Flegonte, si Hermes, si Patrobas, si Hermas, at ang mga kapatid na kasama nila. Batiin ninyo si Filologo at si Julia, si Nereo at ang kanyang kapatid na babae, at si Olimpas, at ang lahat ng mga banal na kasama nila. Magbatian kayo ng banal na halik. Binabati kayo ng lahat ng mga iglesya ni Cristo. Ngayo'y isinasamo ko sa inyo, mga kapatid, na tandaan ninyo ang mga lumilikha ng pagkakabahabahagi at ng mga katitisuran na laban sa mga aral na inyong natutunan; lumayo kayo sa kanila. Sapagkat ang mga gayon ay hindi naglilingkod kay Cristo na Panginoon natin kundi sa kanilang sariling tiyan; at sa pamamagitan ng kanilang mahusay na pananalita at matatamis na talumpati ay dinadaya nila ang mga puso ng mga walang muwang. Ang inyong pagsunod ay naging bantog sa lahat ng mga tao, kaya't nagagalak ako tungkol sa inyo. Ngunit nais kong kayo'y maging marurunong sa kabutihan, at walang sala tungkol sa kasamaan. At si Satanas ay dudurugin ng Diyos ng kapayapaan sa madaling panahon sa ilalim ng inyong mga paa. Ang biyaya nawa ng ating Panginoong Jesu-Cristoay sumainyo. Binabati kayo ni Timoteo na aking kamanggagawa, at nina Lucio, Jason at Sosipatro, na aking mga kamag-anak. Akong si Tercio, na sumusulat ng sulat na ito, ay bumabati sa inyo sa Panginoon. Binabati kayo ni Gayo na tinutuluyan ko, at ng buong iglesya. Binabati kayo ni Erasto na ingat-yaman ng lunsod, at ng kapatid na si Cuarto. [Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyong lahat. Amen.] At ngayon sa Diyos na may kapangyarihang magpatibay sa inyo ayon sa aking ebanghelyo at sa pangangaral ni Jesu-Cristo, ayon sa pahayag ng hiwaga na inilihim sa napakahabang panahon," subalit nahayag na ngayon, at sa pamamagitan ng mga kasulatan ng mga propeta, ay ipinakilala sa lahat ng mga bansa tungo sa pagsunod sa pananampalataya, ayon sa utos ng Diyos na walang hanggan — sa iisang Diyos na marunong, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, sumakanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen. Si Pablo na tinawag upang maging apostol ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at si Sostenes na ating kapatid, Sa iglesya ng Diyos na nasa Corinto, sa mga ginawang banal kay Cristo Jesus, mga tinawag na banal, kasama ng lahat na sa bawat lugar ay tumatawag sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo na kanila at ating Panginoon: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Ako ay laging nagpapasalamat sa aking Diyos tungkol sa inyo, dahil sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa inyo sa pamamagitan ni Cristo Jesus, na sa lahat ng mga bagay ay pinayaman kayo sa kanya sa bawat uri ng pananalita at kaalaman, kagaya ng patotoo ni Cristo na pinagtibay sa inyo. Kaya't kayo'y hindi nagkukulang sa anumang kaloob habang kayo'y naghihintay sa pagpapakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Siya rin ang magpapalakas sa inyo hanggang sa katapusan, na hindi masusumbatan sa araw ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Ang Diyos ay tapat, na sa pamamagitan niya ay tinawag kayo tungo sa pakikisama ng kanyang Anak, si Jesu-Cristo na ating Panginoon. Mga kapatid, ngayon ay nananawagan ako sa inyo sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kayong lahat ay magsalita ng isang bagay lamang, at huwag magkaroon sa inyo ng mga pagkakabaha-bahagi, kundi kayo'y magkaisa sa isang pag-iisip at layunin lamang. Sapagkat iniulat sa akin ng mga kasamahan ni Cloe ang tungkol sa inyo, na sa inyo'y may mga pagtatalu-talo, mga kapatid ko. Ang ibig kong sabihin ay ang bawat isa sa inyo ay nagsasabi, "Ako'y kay Pablo," o "Ako'y kay Apolos," at "Ako'y kay Cefas," at "Ako nama'y kay Cristo." Si Cristo ba ay nahati? Si Pablo ba ay ipinako sa krus dahil sa inyo? O kayo ba ay binautismuhan sa pangalan ni Pablo? Ako ay nagpapasalamat sa Diyos na hindi ko binautismuhan ang sinuman sa inyo, maliban kay Crispo at kay Gayo; baka masabi ng sinuman na kayo'y binautismuhan sa pangalan ko. Binautismuhan ko rin ang sambahayan ni Estefanas. Maliban sa kanila, hindi ko alam kung ako ay may binautismuhan pang iba. Sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbautismo, kundi upang ipangaral ang magandang balita, hindi sa pamamagitan ng mahusay na pananalita, upang ang krus ni Cristo ay huwag mawalan ng kapangyarihan. Sapagkat ang salita ng krus ay kahangalan sa mga napapahamak, ngunit sa atin na inililigtas, ito ay kapangyarihan ng Diyos. Sapagkat nasusulat, "Aking wawasakin ang karunungan ng marurunong, at ang pang-unawa ng mga matatalino ay aking bibiguin." Nasaan ang taong marunong? Nasaan ang eskriba? Nasaan ang bihasang makipagtalo ng panahong ito? Hindi ba't ginawa ng Diyos na kahangalan ang karunungan ng sanlibutan? Sapagkat yamang sa karunungan ng Diyos ay hindi nakilala ng sanlibutan ang Diyos sa pamamagitan ng karunungan nito, ay kinalugdan ng Diyos na iligtas ang mga sumasampalataya sa pamamagitan ng kahangalan ng pangangaral. Sapagkat ang mga Judio ay humihingi ng mga tanda, at ang mga Griyego ay humahanap ng karunungan, subalit ipinangangaral namin ang Cristo na ipinako sa krus, na isang katitisuran sa mga Judio at kahangalan sa mga Hentil, ngunit sa kanila na mga tinawag, maging mga Judio at mga Griyego, si Cristo ang kapangyarihan ng Diyos at ang karunungan ng Diyos. Sapagkat ang kahangalan ng Diyos ay higit na matalino kaysa mga tao, at ang kahinaan ng Diyos ay higit na malakas kaysa mga tao. Sapagkat tingnan ninyo ang inyong pagkatawag, mga kapatid: kakaunti sa inyo ang matatalino ayon sa pamantayan ng tao, hindi marami ang makapangyarihan, hindi marami ang isinilang na marangal. Kundi pinili ng Diyos ang mga bagay na kahangalan sa sanlibutan upang kanyang hiyain ang matatalino. Pinili ng Diyos ang mga bagay na mahihina sa sanlibutan upang kanyang hiyain ang malalakas. Pinili ng Diyos ang mga bagay na mababa at hinahamak sa sanlibutan, maging ang mga bagay na walang halaga upang pawalang-saysay ang mga bagay na mahahalaga, upang walang sinuman ang magmalaki sa harapan ng Diyos. Subalit kayo ay na kay Cristo Jesus, na naging karunungan para sa atin mula sa Diyos, at katuwiran at kabanalan, at katubusan, upang ayon sa nasusulat, "Ang nagmamalaki ay ipagmalaki ang Panginoon." Mga kapatid, nang ako ay dumating sa inyo, hindi ako dumating na nagpapahayag sa inyo ng patotoo ng Diyos sa pamamagitan ng matatayog na pananalita o karunungan. Sapagkat aking ipinasiyang walang anumang malaman sa gitna ninyo, maliban na si Jesu-Cristo, at siya na ipinako sa krus. Ako'y nakasama ninyo na may kahinaan, takot, at lubhang panginginig. Ang aking pananalita at ang aking pangangaral ay hindi sa pamamagitan ng mapang-akit na mga salita ng karunungan, kundi sa pagpapamalas ng Espiritu at ng kapangyarihan, upang ang inyong pananampalataya ay huwag maging batay sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos. Subalit sa mga may gulang na ay nagsasalita kami ng karunungan, gayunma'y hindi ang karunungan ng panahong ito, o ng mga pinuno sa panahong ito, na ang mga ito'y mauuwi sa wala. Kundi nagsasalita kami tungkol sa karunungan ng Diyos, na hiwaga at inilihim, na itinalaga ng Diyos bago ang mga panahon para sa ikaluluwalhati natin. Walang sinuman sa mga pinuno ng sanlibutang ito ang nakaunawa nito, sapagkat kung naunawaan nila, ay hindi sana nila ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian. Subalit kagayang nasusulat, "Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at hindi narinig ng tainga, at hindi pumasok sa puso ng tao, ay ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa kanila na nagmamahal sa kanya." Ngunit ang mga ito ay ipinahayag sa amin ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu; sapagkat sinisiyasat ng Espiritu ang lahat ng mga bagay, maging ang malalalim na mga bagay ng Diyos. Sapagkat sinong tao ang nakakaalam ng isipan ng isang tao, kundi ang espiritu ng tao na nasa kanya? Kaya't walang nakakaalam ng mga isipan ng Diyos, maliban sa Espiritu ng Diyos. Ngayon ay aming tinanggap, hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang Espiritung mula sa Diyos, upang aming malaman ang mga bagay na walang bayad na ibinigay sa amin ng Diyos. Na ang mga bagay na ito ay aming sinasabi hindi sa mga salitang itinuro ng karunungan ng tao, kundi ng itinuturo ng Espiritu na ipinapaunawa ang mga espirituwal ng mga espirituwal. Ngunit ang taong hindi ayon sa espiritu ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos, sapagkat ang mga iyon ay kahangalan sa kanya at hindi niya iyon nauunawaan, sapagkat ang mga iyon ay nauunawaan sa pamamagitan ng espiritu. Ngunit nauunawaan ng taong espirituwal ang lahat ng mga bagay, subalit hindi siya nauunawaan ng sinuman. "Sapagkat sino ang nakakaalam ng pag-iisip ng Panginoon, upang siya'y turuan niya?" Subalit nasa amin ang pag-iisip ni Cristo. Subalit ako, mga kapatid, ay hindi makapagsalita sa inyo na tulad sa mga taong espirituwal, kundi tulad sa mga makalaman, tulad sa mga sanggol kay Cristo. Pinainom ko kayo ng gatas at hindi ng matigas na pagkain, sapagkat hindi pa ninyo kaya ito. Hanggang ngayon ay hindi pa ninyo kaya, sapagkat kayo ay makalaman pa. Sapagkat habang sa inyo'y may mga paninibugho at mga pagtatalo, hindi ba kayo'y makalaman, at kayo'y lumalakad ayon sa pamantayan ng mga tao? Sapagkat kapag sinasabi ng isa, "Ako ay kay Pablo," at ang iba, "Ako ay kay Apolos," hindi ba kayo'y mga tao? Ano nga ba si Apolos? At ano si Pablo? Mga lingkod na sa pamamagitan nila ay sumampalataya kayo, ayon sa itinakda ng Panginoon sa bawat isa. Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang nagpalago. Kaya't walang anuman ang nagtatanim, o ang nagdidilig, kundi ang Diyos na nagpapalago. Ngayon, ang nagtatanim at ang nagdidilig ay iisa, at ang bawat isa ay tatanggap ng kanyang upa ayon sa kanyang paggawa. Sapagkat kami ay mga kamanggagawa ng Diyos, kayo ang bukid ng Diyos, ang gusali ng Diyos. Ayon sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin, na tulad sa isang matalinong tagapagtayo, inilagay ko ang pinagsasaligan, at iba ang nagtatayo sa ibabaw nito. Dapat ingatan ng bawat tao ang pagtatayo niya sa ibabaw nito. Sapagkat sinuman ay hindi makapaglalagay ng ibang saligan, maliban sa nakalagay na, na ito'y si Cristo Jesus. Subalit kung ang sinuman ay magtatayo sa ibabaw ng saligang ito ng ginto, pilak, mahahalagang bato, kahoy, dayami, pinaggapasan, ang gawa ng bawat isa ay mahahayag, sapagkat ang Araw ang magbubunyag nito. Sapagkat ito ay mahahayag sa pamamagitan ng apoy at ang apoy ang susubok kung anong uri ng gawain ang ginawa ng bawat isa. Kung ang gawa ng sinumang tao na kanyang itinayo sa ibabaw ay manatili, siya ay tatanggap ng gantimpala. Kung ang gawa ng sinumang tao ay matupok, siya ay malulugi, bagaman siya ay maliligtas, ngunit tanging sa pamamagitan ng apoy. Hindi ba ninyo nalalaman na kayo ay templo ng Diyos, at ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa inyo? Kung ang sinuman ay magtangkang gumiba sa templo ng Diyos, ang taong ito'y gigibain ng Diyos, sapagkat ang templo ng Diyos ay banal, at ang templong ito ay kayo. Huwag dayain ng sinuman ang kanyang sarili. Kung ang sinuman sa inyo ay nag-aakalang siya ay marunong sa kapanahunang ito, ay magpakahangal siya, upang siya ay maging marunong. Ang karunungan ng sanlibutang ito ay kahangalan sa Diyos. Sapagkat nasusulat, "Hinuhuli niya ang marurunong sa kanilang katusuhan." At muli, "Nalalaman ng Panginoon na ang pangangatuwiran ng marurunong ay walang kabuluhan." Kaya't huwag magmalaki ang sinuman sa mga tao, sapagkat ang lahat ng mga bagay ay sa inyo. Kahit si Pablo, o si Apolos, o si Cefas, o ang sanlibutan, o ang buhay, o ang kamatayan, o ang mga bagay na kasalukuyan, o ang mga bagay na darating, lahat ay sa inyo, at kayo'y kay Cristo, at si Cristo ay sa Diyos. Kaya't ituring ninyo kami bilang mga lingkod ni Cristo, at mga katiwala ng mga hiwaga ng Diyos. Bukod dito, kailangan sa mga katiwala na sila ay matagpuang tapat. Subalit para sa akin ay isang napakaliit na bagay ang ako'y hatulan ninyo o ng alinmang hukuman ng tao. Ako man ay hindi humahatol sa aking sarili. Sapagkat wala akong nalalamang anuman laban sa aking sarili, bagaman hindi sa ako'y napawalang sala, kundi ang humahatol sa akin ay ang Panginoon. Kaya't huwag muna kayong humatol ng anuman nang wala pa sa panahon, hanggang sa dumating ang Panginoon. Siya ang magdadala sa liwanag sa mga bagay na sa ngayon ay nakatago sa kadiliman, at ibubunyag ang layunin ng mga puso. Kung magkagayon, ang bawat isa ay tatanggap ng papuri mula sa Diyos. Mga kapatid, ang mga bagay na ito ay ginamit kong halimbawa sa aking sarili at kay Apolos para sa inyo, upang sa pamamagitan namin ay matuto kayo na huwag lumampas sa mga bagay na nakasulat, upang sinuman sa inyo ay huwag magmataas laban sa iba. Sapagkat sino ang nakakakita ng kaibahan mo? At ano ang nasa iyo na hindi mo tinanggap? At kung tinanggap mo, bakit mo ipinagmamalaki na parang hindi mo tinanggap? Kayo ay mga busog na, kayo ay mayayaman na, kayo ay naging mga hari nang wala kami. Ibig ko sanang kayo ay maging hari upang kami rin ay maging haring kasama ninyo. Sapagkat iniisip ko, na kaming mga apostol ay ipinakita ng Diyos na kahuli-hulihan sa lahat, kagaya ng mga taong nahatulang mamatay, sapagkat kami ay naging panoorin ng sanlibutan, ng mga anghel, at ng mga tao. Kami'y mga hangal alang-alang kay Cristo, ngunit kayo'y marurunong kay Cristo. Kami ay mahihina, ngunit kayo'y malalakas. Kayo ay mararangal ngunit kami ay walang karangalan. Hanggang sa oras na ito ay nagugutom kami, nauuhaw, mga hubad, binubugbog, at walang tahanan, at kami'y gumagawa sa pamamagitan ng sarili naming mga kamay. Bagaman nilalait, kami ay nagpapala, bagaman inuusig ay nagtitiis kami, bagaman mga sinisiraang puri, kami ay nakikiusap. Kami'y naging tulad ng basura sa sanlibutan, dumi ng lahat ng mga bagay hanggang ngayon. Hindi ko isinusulat ang mga bagay na ito upang kayo'y hiyain, kundi upang kayo ay paalalahanan tulad sa aking mga minamahal na anak. Sapagkat bagaman nagkaroon kayo ng sampung libong mga guro kay Cristo, ay wala naman kayong maraming mga ama; sapagkat kay Cristo Jesus ay ipinanganak ko kayo sa pamamagitan ng ebanghelyo. Kaya't hinihimok ko kayo na tumulad sa akin. Dahil dito, aking isinugo sa inyo si Timoteo na aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon, na siyang magpapaalala sa inyo ng aking mga daan na na kay Cristo gaya ng itinuturo ko saan mang dako sa bawat iglesya. Subalit ang iba ay nagmamataas na parang hindi na ako darating sa inyo. Ngunit ako'y darating agad sa inyo, kung loloobin ng Panginoon, at aking aalamin, hindi ang salita ng mga taong nagmamataas, kundi ang kapangyarihan. Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay hindi sa pananalita, kundi sa kapangyarihan. Anong ibig ninyo? Darating ba ako sa inyo na may pamalo o may pag-ibig sa espiritu ng kaamuan? Sa katunayan ay nababalita na may pakikiapid sa inyo, at ang ganyang pakikiapid ay wala kahit sa mga pagano; sapagkat ang isang lalaki ay nakikipisan sa asawa ng kanyang ama. At kayo ay nagmamalaki pa! Hindi ba dapat kayong malumbay, upang maalis sa gitna ninyo ang gumagawa nito? Sapagkat bagaman ako ay wala sa katawan, ako'y nasa harapan ninyo sa espiritu. Kaya't tulad sa isang nasa harapan ninyo, hinahatulan ko na ang gumawa ng bagay na ito, sa pangalan ng ating Panginoong Jesus. Kapag kayo ay nagkakatipon kasama ang aking espiritu na taglay ang kapangyarihan ng ating Panginoong Jesus, ay ibigay ang ganyang tao kay Satanas sa ikawawasak ng laman, upang ang kanyang espiritu ay maligtas sa araw ng Panginoong Jesus. Hindi mabuti ang inyong pagmamapuri. Hindi ba ninyo nalalaman na ang kaunting pampaalsa ay nagpapaalsa sa buong masa? Alisin ninyo ang lumang pampaalsa, upang kayo'y maging bagong masa, kung paanong kayo nga'y walang pampaalsa. Sapagkat si Cristo, ang kordero ng ating paskuwa, ay naialay na. Kaya nga, ipagdiwang natin ang pista, hindi ng may lumang pampaalsa, o sa pampaalsa man ng masamang hangad at kasamaan, kundi sa tinapay na walang pampaalsa ng katapatan at katotohanan. Isinulat ko sa inyo sa aking sulat na huwag kayong makisama sa mga mapakiapid, hindi ang ibig sabihin ay sa mga mapakiapid ng sanlibutang ito, o sa mga masasakim at mga magnanakaw, o sa mga sumasamba sa diyus-diyosan, sa gayo'y kailangan pa kayong lumabas sa sanlibutan. Kundi ngayon ay sinusulatan ko kayo na huwag kayong makisama sa kanino mang tinatawag na kapatid, kung siya'y mapakiapid, o sakim, o sumasamba sa diyus-diyosan, o nagmumura, o maglalasing, o magnanakaw — ni huwag man lamang kayong kumaing kasalo ng ganyang uri ng tao. Sapagkat anong kinalaman ko sa paghatol sa nasa labas? Hindi ba yaong mga nasa loob ang inyong hahatulan? Subalit ang Diyos ang humahatol sa mga nasa labas. "Alisin ninyo ang masamang tao sa gitna ninyo." Kapag ang sinuman sa inyo ay may reklamo laban sa isang kapatid, mangangahas ba siyang magsakdal sa harapan ng mga masasama at hindi sa harapan ng mga banal? Hindi ba ninyo nalalaman na ang mga banal ay hahatol sa sanlibutan? At kung ang sanlibutan ay hahatulan ninyo, wala ba kayong kakayahang humatol sa napakaliliit na bagay? Hindi ba ninyo nalalaman na ating hahatulan ang mga anghel? Gaano pa kaya ang mga bagay na may kinalaman sa buhay na ito? Kung kayo nga'y mayroong usapin tungkol sa mga bagay ng buhay na ito, itinatalaga ba ninyong hukom ang mga taong maliit lamang ang pagkilala ng iglesya? Sinasabi ko ito upang mapahiya kayo. Wala bang kahit isa mang tao sa inyo na marunong na may kakayahang magpasiya sa kanyang mga kapatid, kundi ang isang kapatid na nagdedemanda laban sa kapatid, at ito'y sa harapan ng mga hindi mananampalataya? Sa katunayan, ang magkaroon kayo ng usapin laban sa isa't isa ay isa nang pagkatalo para sa inyo. Bakit hindi ninyo hayaan na lamang na kayo'y gawan ng masama? Bakit hindi na lamang kayo padaya? Ngunit kayo mismo ang gumagawa ng masama at nandaraya at ito'y sa inyong mga kapatid. Hindi ba ninyo nalalaman na ang mga masasamang tao ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos? Huwag kayong padaya! Ang mga mapakiapid, mga sumasamba sa diyus-diyosan, mga mangangalunya, mga binabae, mga nakikiapid sa kapwa lalaki, mga magnanakaw, masasakim, mga maglalasing, mga mapagmura, o ang mga manggagantso ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos. At ganyan ang mga ilan sa inyo noon. Subalit nahugasan na kayo, ginawa na kayong banal, at inaring ganap na kayo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo, at sa Espiritu ng ating Diyos. "Ang lahat ng mga bagay para sa akin ay matuwid;" ngunit hindi lahat ng mga bagay ay makakatulong. "Ang lahat ng mga bagay para sa akin ay matuwid," ngunit hindi ako paaalipin sa anuman. "Ang pagkain ay para sa tiyan, at ang tiyan ay para sa pagkain," ngunit ito at ang mga iyon ay wawasakin ng Diyos. Gayunman ang katawan ay hindi para sa pakikiapid, kundi para sa Panginoon, at ang Panginoon ay para sa katawan. At binuhay ng Diyos ang Panginoon at bubuhayin din tayo sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Hindi ba ninyo nalalaman na ang inyong mga katawan ay mga sangkap ni Cristo? Kukunin ko ba ang mga sangkap ni Cristo at gagawin kong mga sangkap ng isang masamang babae? Huwag nawang mangyari. Hindi ba ninyo nalalaman na ang nakikisama sa masamang babae ay nagiging iisang katawan na kasama niya? Sapagkat sinasabi, "Ang dalawa ay magiging isang laman." Ngunit siya na nakikisama sa Panginoon ay nagiging iisang espiritu na kasama niya. Umiwas kayo sa pakikiapid. Bawat kasalanang maaaring gawin ng tao ay nasa labas ng katawan; ngunit ang gumagawa ng pakikiapid ay nagkakasala laban sa kanyang sariling katawan. O hindi ba ninyo nalalaman na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo, na tinanggap ninyo mula sa Diyos, at kayo ay hindi sa inyong sarili? Sapagkat kayo'y binili sa isang halaga, kaya't luwalhatiin ninyo ng inyong katawan ang Diyos. Ngayon, tungkol sa mga bagay na isinulat ninyo: "Mabuti para sa isang lalaki ay huwag humipo sa babae." Subalit, dahil sa mga nangyayaring pakikiapid, ang bawat lalaki ay magkaroon ng kanyang sariling asawa, at bawat babae ay magkaroon ng kanyang sariling asawa. Dapat ibigay ng lalaki sa asawa ang karapatan nito, gayundin naman ang babae sa kanyang asawa. Sapagkat ang babae ay walang karapatan sa kanyang katawan, kundi ang asawa, at gayundin ang lalaki ay walang karapatan sa kanyang sariling katawan, kundi ang asawa. Huwag pagkaitan ang isa't isa, maliban kung pagkasunduan ng ilang panahon, upang maiukol ang mga sarili sa pananalangin, at pagkatapos ay muli kayong magsama, baka kayo'y tuksuhin ni Satanas dahil sa kakulangan ng pagpipigil sa sarili. Ngunit ito'y sinasabi ko bilang pagbibigay, hindi isang utos. Ibig ko sana na ang lahat ng tao ay maging gaya ko. Ngunit ang bawat tao'y mayroong kanya-kanyang kaloob mula sa Diyos, ang isa'y ganito at ang iba'y ganoon. Subalit sinasabi ko sa mga walang asawa at sa mga babaing balo, mabuti sa kanila kung sila'y mananatiling gaya ko. Ngunit kung sila'y hindi nakakapagpigil, ay dapat silang magsipag-asawa, sapagkat mas mabuti pang mag-asawa kaysa mag-alab ang pagnanasa. Subalit sa mga may asawa ay aking itinatagubilin, hindi ako, kundi ang Panginoon, na ang babae ay huwag humiwalay sa kanyang asawa. (Subalit kung siya ma'y humiwalay, manatili siyang walang asawa, o kaya'y makipagkasundo sa kanyang asawa), at huwag hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa. Subalit sa iba, ay ako ang nagsasabi, hindi ang Panginoon, na kung ang sinumang kapatid na lalaki ay may asawang hindi mananampalataya, at pumayag siyang mamuhay na kasama niya, ay huwag niya siyang hiwalayan. At kung ang babae ay may asawa na hindi mananampalataya, at pumayag ang lalaking ito na mamuhay na kasama niya, ay huwag niyang hiwalayan ang kanyang asawa. Sapagkat ang lalaking hindi mananampalataya ay nagiging banal sa pamamagitan ng kanyang asawa, at ang babaing hindi mananampalataya ay nagiging banal sa pamamagitan ng kanyang asawa. Kung hindi, ang inyong mga anak ay magiging marumi, ngunit ngayon sila'y mga banal. Subalit kung humiwalay ang hindi mananampalataya, ay hayaan siyang humiwalay; ang kapatid na lalaki o kapatid na babae ay hindi nagagapos sa mga ganitong kalagayan, sapagkat tayo ay tinawag ng Diyos sa kapayapaan. Asawang babae, paano mo malalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa? Asawang lalaki, paano mo malalaman kung maililigtas mo ang iyong asawa? Hayaang ang bawat isa ay mamuhay ayon sa itinalaga ng Panginoon sa kanya, at ayon sa pagkatawag sa kanya ng Diyos. Ito ang iniuutos ko sa lahat ng mga iglesya. Mayroon bang sinuman na nang siya'y tawagin ay tuli na? Huwag niyang alisin ang mga tanda ng pagtutuli. Mayroon bang sinuman na nang 'siya'y tawagin ay di tuli? Huwag siyang magpatuli. Ang pagtutuli ay walang kabuluhan, at ang di pagtutuli ay walang kabuluhan; kundi ang pagtupad sa mga utos ng Diyos. Ang bawat isa ay hayaang manatili sa kalagayan nang siya ay tawagin. Ikaw ba ay alipin nang ikaw ay tawagin? Huwag kang mag-alala. Subalit kung magagawa mong maging malaya, samantalahin mo ang pagkakataon. Sapagkat ang tinawag sa Panginoon nang siya'y alipin ay malaya sa Panginoon, gayundin ang tinawag nang siya'y malaya ay alipin ni Cristo. Kayo'y binili sa halaga, huwag kayong maging mga alipin ng mga tao. Kaya, mga kapatid, hayaang ang bawat isa'y manatili sa kalagayan nang siya'y tawagin ng Diyos. Ngayon, tungkol sa mga dalaga ay wala akong utos mula sa Panginoon, ngunit ibinibigay ko ang aking kuru-kuro bilang isa na sa pamamagitan ng habag ng Panginoon ay mapagkakatiwalaan. Sa palagay ko, dahil sa kasalukuyang kagipitan, makakabuti sa isang tao ang manatili sa kanyang kalagayan. Nakatali ka ba sa asawa? Huwag mong sikaping mahiwalay. Ikaw ba ay malaya sa asawa? Huwag kang humanap ng asawa. Ngunit kung ikaw ay mag-aasawa, ay hindi ka nagkakasala, at kung ang isang dalaga ay mag-asawa, ay hindi siya nagkakasala. Subalit ang mga tulad nila ay magkakaroon ng kahirapan sa buhay na ito at sinisikap ko lamang na iligtas kayo. Mga kapatid, ang ibig kong sabihin ay maigsi na ang panahon. Mula ngayon, ang mga lalaking may asawa ay maging mga tulad sa walang asawa; at ang mga umiiyak ay maging tulad sa mga hindi umiiyak, at ang nagagalak ay maging tulad sa hindi nagagalak; at ang mga bumibili ay maging tulad sa mga walang pag-aari, at ang mga may pakikitungo sa sanlibutan, ay maging parang walang pakikitungo rito, sapagkat ang kasalukuyang anyo ng sanlibutang ito ay lumilipas. Nais kong maging malaya kayo sa pagkabalisa. Ang walang asawa ay nababalisa sa mga bagay ng Panginoon, kung paano niya mabibigyang kasiyahan ang Panginoon; ngunit ang may asawa ay nababalisa sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya mabibigyang kasiyahan ang kanyang asawa, at ang kanyang pansin ay nahahati. Ang babaing walang asawa at ang dalaga ay nababalisa sa mga bagay ng Panginoon, upang siya'y maging banal sa katawan at sa espiritu, ngunit ang babaing may asawa ay nababalisa sa mga bagay ng sanlibutan, kung paano niya bibigyang kasiyahan ang kanyang asawa. Sinasabi ko ito ngayon para sa inyong ikabubuti, hindi upang lagyan ko kayo ng silo, kundi kung ano ang nararapat at upang kayo'y makapaglingkod sa Panginoon nang walang sagabal. Ngunit kung ang sinuman ay nag-iisip na hindi siya kumikilos ng nararapat sa kanyang nobya na sumapit na sa kanyang hustong gulang, ay hayaang mangyari ang gusto niya, hayaan silang magpakasal — hindi ito kasalanan. Subalit sinumang nananatiling matibay sa kanyang puso, na hindi naman nangangailangan kundi napipigil niya ang kanyang sariling pagnanais at ipinasiya sa kanyang puso na panatilihin siya bilang kanyang nobya. ay mabuti ang kanyang ginagawa. Kaya't ang magpakasal sa kanyang nobya ay gumagawa ng mabuti at ang umiiwas mag-asawa ay gumagawa ng higit na mabuti. Ang babaing may asawa ay nakatali habang nabubuhay ang kanyang asawa. Ngunit kung patay na ang kanyang asawa, malaya na siyang makakapag-asawa sa kanino mang ibig niya, lamang ay sa Panginoon. Ngunit batay sa aking kuru-kuro, siya ay higit na maligaya kung mananatili siya sa kanyang kalagayan. At iniisip ko rin naman na ako'y may Espiritu ng Diyos. Ngayon, tungkol sa mga pagkaing inihain sa mga diyus-diyosan: nalalaman natin na tayong lahat ay may kaalaman. Ang kaalaman ay nagpapalaki ng ulo, ngunit ang pag-ibig ay nagpapatibay. Kung ang sinuman ay nag-aakala na siya'y may nalalamang anuman, hindi pa niya nalalaman ang nararapat niyang malaman; subalit kung ang sinuman ay nagmamahal sa Diyos, ang taong ito ay kilala niya. Kaya, tungkol sa pagkain ng mga bagay na inihain sa mga diyus-diyosan, nalalaman natin na ang diyus-diyosan ay walang kabuluhan sa sanlibutan, at walang Diyos liban sa iisa. Sapagkat bagaman mayroong mga tinatawag na mga diyos, maging sa langit o sa lupa, gaya nang pagkakaroon ng maraming mga "diyos" at maraming mga "panginoon," ngunit sa ganang atin ay may isang Diyos, ang Ama, na sa kanya nagmula ang lahat ng mga bagay, at tayo'y para sa kanya, at may isang Panginoon, si Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, at tayo ay sa pamamagitan niya. Gayunman, hindi lahat ng mga tao ay nagtataglay ng kaalamang ito. Subalit ang ilan na hanggang ngayon ay namihasa sa diyus-diyosan, ay kumakain na parang isang bagay na inihain sa diyus-diyosan, at ang kanilang budhi, palibhasa'y mahina, ay nadudungisan. Subalit ang pagkain ay hindi maglalapit sa atin sa Diyos. Hindi tayo nagkukulang kung tayo'y hindi kumain, at hindi tayo higit na mabuti kung tayo'y kumain. Subalit mag-ingat kayo, baka ang kalayaan ninyong ito ay maging katitisuran sa mahihina. Sapagkat kapag nakita ka ng iba na nakikisalo sa pagkain sa templo ng diyus-diyosan, ikaw na nagtataglay ng kaalaman, hindi kaya sila maganyak na kumain ng mga bagay na inihain sa mga diyus-diyosan, yamang mahina ang kanilang budhi? Kaya't sa pamamagitan ng iyong kaalaman ay napahamak ang mahina, ang kapatid na dahil sa kanya'y namatay si Cristo. Kaya't sa pagkakasala laban sa mga kapatid, at sa pagsugat sa kanilang mahinang budhi, ay nagkakasala kayo laban kay Cristo. Kaya, kung ang pagkain ay nakapagpapatisod sa aking kapatid, kailanman ay hindi ako kakain ng karne, upang ako'y huwag makapagpatisod sa aking kapatid. Hindi ba ako'y malaya? Hindi ba ako'y isang apostol? Hindi ba nakita ko si Jesus na Panginoon natin? Hindi ba kayo'y bunga ng paggawa ko sa Panginoon? Kung sa iba'y hindi ako apostol, sa inyo man lamang ay gayon ako; sapagkat kayo ang tatak ng aking pagka-apostol sa Panginoon. Ito ang aking pagtatanggol sa mga sumusuri sa akin. Wala ba kaming karapatang kumain at uminom? Wala ba kaming karapatan na magsama ng isang asawa gaya ng ibang mga apostol at ng mga kapatid ng Panginoon, at ni Cefas? O ako lamang ba at si Bemabe ang walang karapatang huminto sa paghahanap-buhay? Sino ang naglilingkod bilang isang kawal sa sarili niyang gastos? Sino ang nagtatanim ng ubasan at hindi kumakain ng bunga nito? Sino ang nag-aalaga sa kawan, at hindi umiinom ng gatas ng kawan? Ang mga bagay na ito ay sinasabi ko hindi ayon sa pananaw ng mga tao. Hindi ba't ganito rin ang sinasabi ng kautusan? Sapagkat nakasulat sa kautusan ni Moises, "Huwag mong lalagyan ng busal ang baka kapag gumigiik." Ang mga baka ba ang pinagmamalasakitan ng Diyos? Hindi ba't siya ay nagsasalita para sa ating kapakanan? Ito ay nasulat para sa atin, sapagkat ang nag-aararo ay dapat mag-araro na may pag-asa, at ang gumigiik ay gumiik na may pag-asa na magkakaroon ng bahagi. Kung kami ay nakapaghasik sa inyo ng mga bagay na espirituwal, kalabisan ba na aming anihin ang inyong mga bagay na materyal? Kung ang iba ay mayroong ganitong karapatan sa inyo, hindi ba higit pa kami? Gayunma'y hindi namin ginamit ang karapatang ito, kundi tinitiis namin ang lahat ng mga bagay, upang huwag kaming makahadlang sa ebanghelyo ni Cristo. Hindi ba ninyo nalalaman na ang mga gumagawa ng paglilingkod sa templo ay kumakain ng mga bagay na mula sa templo, at ang mga naglilingkod sa dambana ay mga kabahagi ng mga handog sa dambana? Gayundin naman, ipinag-utos ng Panginoon na ang mga nangangaral ng ebanghelyo ay dapat kumuha ng kanilang ikabubuhay mula sa ebanghelyo. Ngunit hindi ko ginamit ang alinman sa mga karapatang ito, at hindi ko sinusulat ang mga bagay na ito upang gayon ang mangyari sa akin. Sapagkat mabuti pa sa akin ang mamatay, kaysa pawalang saysay ng sinuman ang aking pagmamalaki! Sapagkat kung ipinangangaral ko ang ebanghelyo, ay wala akong dahilan upang magmalaki, sapagkat ang katungkulan ay iniatang sa akin. Kahabag-habag ako kung hindi ko ipangaral ang ebanghelyo! Sapagkat kung ito'y gawin ko nang maluwag sa kalooban, ay may gantimpala ako. Ngunit kung hindi maluwag sa kalooban, isang pangangasiwa ang ipinagkatiwala sa akin. Ano kung gayon ang aking gantimpala? Ito lamang: na sa aking pangangaral, ang ebanghelyo ay ginawa kong walang bayad, upang hindi ko magamit ng lubusan ang aking karapatan sa ebanghelyo. Sapagkat bagaman malaya ako sa lahat ng mga tao, ay nagpaalipin ako sa lahat, upang higit na marami ang aking mahikayat. Sa mga Judio, ako ay naging gaya ng isang Judio, upang mahikayat ko ang mga Judio. Sa mga nasa ilalim ng kautusan, ako ay naging gaya ng isang nasa ilalim ng kautusan, bagaman ako ay wala sa ilalim ng kautusan upang aking mahikayat ang mga nasa ilalim ng kautusan. Sa mga nasa labas ng kautusan, ako ay naging tulad sa walang kautusan, bagama't hindi ako malaya mula sa kautusan sa Diyos kundi nasa ilalim ng kautusan ni Cristo, upang mahikayat ko ang mga nasa labas ng kautusan. Sa mahihina, ako ay naging mahina, upang mahikayat ko ang mahihina. Sa lahat ng mga bagay ay nakibagay ako sa lahat ng mga tao, upang sa lahat ng mga paraan ay makapagligtas ako ng ilan. Ginawa ko ang lahat ng mga bagay dahil sa ebanghelyo, upang ako'y magkaroon ng bahagi sa mga pagpapala nito. Hindi ba ninyo nalalaman na ang mga tumatakbo sa isang takbuhan ay tumatakbong lahat, ngunit iisa lamang ang tumatanggap ng gantimpala? Kaya't tumakbo kayo sa gayong paraan upang iyon ay inyong mapagwagian. Ang bawat nakikipaglaban sa mga palaro ay nagpipigil sa sarili sa lahat ng mga bagay; ginagawa nila iyon upang sila ay makatanggap ng isang korona na may pagkasira, ngunit tayo'y sa walang pagkasira. Kaya't ako'y tumatakbo na hindi gaya ng walang katiyakan; hindi ako sumusuntok na hindi gaya ng sumusuntok sa hangin. Ngunit sinusupil ko ang aking katawan, at ginagawa itong alipin, upang pagkatapos na makapangaral ako sa iba, ako mismo ay hindi itakuwil. Mga kapatid, hindi ko nais na hindi ninyo malaman na ang ating mga ninuno ay dumaan sa ilalim ng ulap, at silang lahat ay tumawid sa dagat, at lahat ay nabautismuhan kay Moises sa ulap at sa dagat; at lahat ay kumain ng isang pagkaing espirituwal; at lahat ay uminom ng isang inuming espirituwal. Sapagkat sila'y umiinom sa batong espirituwal na sumunod sa kanila, at ang Batong iyon ay si Cristo. Subalit hindi nalugod ang Diyos sa karamihan sa kanila, sapagkat sila'y ibinuwal sa ilang. Ang mga bagay na ito'y naganap bilang halimbawa para sa atin, upang huwag tayong magnasa ng mga bagay na masama na gaya nila. Huwag kayong sumamba sa mga diyus-diyosan, gaya ng ilan sa kanila, gaya ng nasusulat, "Naupo ang bayan upang kumain at uminom, at tumindig upang sumayaw." Huwag tayong makiapid, gaya ng ilan sa kanila na nakiapid, at ang namatay sa isang araw ay dalawampu't tatlonglibo. Huwag nating tuksuhin si Cristo na gaya ng pagtukso ng ilan sa kanila, at sila'y pinuksa ng mga ahas. Huwag din kayong magbulung-bulungan, gaya ng ilan na nagbulung-bulungan, at sila'y pinuksa ng tagapuksa. Ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila bilang halimbawa, at nasulat bilang pangaral sa atin na dinatnan ng katapusan ng mga panahon. Kaya't ang nag-aakalang siya'y nakatayo ay mag-ingat na baka siya'y mabuwal. Walang tuksong dumating sa inyo na hindi karaniwan sa tao, subalit tapat ang Diyos, na hindi niya ipahihintulot na kayo'y tuksuhin nang higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay naglalaan ng pag-iwas upang ito'y inyong makayang tiisin. Kaya, mga minamahal ko, lumayo kayo sa pagsamba sa diyus-diyosan. Ako'y nagsasalita sa mga tulad sa marurunong; timbangin ninyo para sa inyong sarili ang sinasabi ko. Ang kopa ng pagpapala na ating pinagpapala, hindi ba ito'y pakikisalo sa dugo ni Cristo? Ang tinapay na ating pinagpuputul-putol, hindi ba ito'y pakikisalo sa katawan ni Cristo? Sapagkat may isang tinapay, tayong marami ay iisang katawan, sapagkat tayong lahat ay nakikibahagi sa isa lamang tinapay. Tingnan ninyo ang bayang Israel; hindi ba't ang mga kumakain ng mga handog ay kabahagi sa dambana? Ano kung gayon ang aking sinasabi? Na ang handog sa mga diyus-diyosan ay may kabuluhan? O ang diyus-diyosan ay may kabuluhan? Hindi, sinasabi ko na ang mga bagay na inihahandog ng mga pagano ay kanilang inihahandog sa mga demonyo at hindi sa Diyos, at di ko ibig na kayo'y maging kasama ng mga demonyo. Hindi ninyo maiinuman ang kopa ng Panginoon at ang kopa ng mga demonyo. Kayo'y hindi maaaring makisalo sa mesa ng Panginoon at sa mesa ng mga demonyo. O atin bang papanibughuin ang Panginoon? Tayo ba'y higit na malakas kaysa kanya? "Lahat ng mga bagay ay matuwid," ngunit hindi lahat ng bagay ay makakabuti. "Lahat ng mga bagay ay matuwid," ngunit hindi ang lahat ng mga bagay ay makakapagpatibay. Huwag hanapin ng sinuman ang kanyang sariling kapakanan kundi ang kapakanan ng iba. Lahat ng ipinagbibili sa pamilihan ay kainin ninyo na walang pagtatanong dahil sa budhi, sapagkat “ang lupa ay sa Panginoon at ang lahat ng naririto." Kung kayo'y anyayahan ng isang hindi sumasampalataya at ibig ninyong pumunta, ang anumang ihain sa inyo ay kainin ninyo na walang pagtatanong dahil sa budhi. Subalit kung sa inyo'y may magsabi, "Ito'y inialay bilang handog," ay huwag ninyong kainin, alang-alang sa taong nagsabi, at dahilan sa budhi. Ang ibig kong sabihin ay ang budhi niya, hindi ang sa iyo. Sapagkat bakit ang aking kalayaan ay paiilalim sa pasiya ng budhi ng iba? Kung ako'y nakikisalo na may pagpapasalamat, bakit ako'y tutuligsain ng dahil sa bagay na aking ipinagpapasalamat? Kaya kung kayo man ay kumakain, umiinom, o anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos. Huwag kayong maging katitisuran para sa mga Judio, o sa mga Griyego, o sa iglesya ng Diyos, kung paanong sinisikap kong makapagbigay lugod sa lahat ng mga tao sa lahat ng mga bagay, na hindi ko hinahanap ang aking sariling kapakanan, kundi ang sa marami, upang sila'y maligtas. Maging tulad kayo sa akin, gaya ko kay Cristo. Pinupuri ko kayo, sapagkat sa lahat ng mga bagay ay naaalala ninyo ako, at pinananatili ninyong matibay ang mga tradisyon na gaya ng ibinigay ko sa inyo. Subalit ibig kong malaman ninyo na ang ulo ng bawat lalaki ay si Cristo, at ang ulo ng babae ay ang lalaki, at ang ulo ni Cristo ay ang Diyos. Ang bawat lalaking nananalangin, o nagpapahayag ng propesiya na may takip ang ulo ay winawalang puri ang kanyang ulo. Subalit ang bawat babaing nananalangin o nagpapahayag ng propesiya na walang talukbong ang kanyang ulo ay winawalang puri ang kanyang ulo; sapagkat siya ay gaya at katumbas ng babaing ang ulo ay naahitan. Sapagkat kung ang babae ay walang talukbong, dapat siyang magpagupit ng kanyang buhok, ngunit kung kahiyahiya sa babae ang magpagupit o magpaahit, ay dapat siyang magtalukbong. Sapagkat ang lalaki ay talagang hindi dapat magtalukbong ng kanyang ulo, palibhasa siya ay larawan at kaluwalhatian ng Diyos, ngunit ang babae ay siyang kaluwalhatian ng lalaki. Sapagkat ang lalaki ay hindi mula sa babae, kundi ang babae ay mula sa lalaki, ni ang lalaki ay nilalang dahil sa babae kundi ang babae dahil sa lalaki. Dahil dito, nararapat na ang babae ay magkaroon ng sagisag ng awtoridad sa kanyang ulo, dahil sa mga anghel. Gayunman, sa Panginoon, kailangan ng babae ang lalaki at ang lalaki ay kailangan ng babae. Sapagkat kung paanong ang babae ay mula sa lalaki, ang lalaki naman ay sa pamamagitan ng babae. Subalit ang lahat ng mga bagay ay sa Diyos. Hatulan ninyo sa inyong sarili: angkop ba sa isang babae na manalangin sa Diyos nang walang talukbong? Hindi ba't ang kalikasan mismo ang nagtuturo sa inyo na kapag ang isang lalaki ay may mahabang buhok, ito ay kahihiyan sa kanya? Subalit kung ang babae ay may mahabang buhok, ito ay kanyang karangalan? Sapagkat ang kanyang buhok ay ibinigay sa kanya na pantakip. Subalit kung ang sinuman ay nais maging palatutol, wala kaming gayong ugali, ni ang mga iglesya ng Diyos. Ngayon, sa mga sumusunod na tagubilin ay hindi ko kayo pinupuri, sapagkat kapag kayo'y nagkakatipon, ito ay hindi para sa ikabubuti kundi para sa ikasasama. Sapagkat una sa lahat, kapag nagkakatipon kayo sa iglesya, ay nababalitaan ko na mayroong mga pagkakahati-hati sa inyo, at pinaniniwalaan ko iyon nang bahagya. Sapagkat kailangang magkaroon sa inyo ng mga pagkakabaha-bahagi upang ang mga tunay sa inyo ay malantad. Kapag kayo ay nagkakatipon, iyon ay hindi upang kainin ang hapunan ng Panginoon. Sapagkat kapag dumating na ang panahon ng pagkain, ang bawat isa'y nauuna sa kanyang sariling hapunan at ang isa ay gutom, at ang iba'y lasing. Ano? Wala ba kayong mga bahay na makakainan at maiinuman? O hinahamak ninyo ang iglesya ng Diyos, at hinihiya ang mga walang kahit ano? Ano ang sasabihin ko sa inyo? Kayo ba'y pupurihin ko? Sa bagay na ito ay hindi ko kayo pinupuri. Sapagkat tinanggap ko sa Panginoon ang ibinigay ko naman sa inyo, na ang Panginoong Jesus nang gabing siya'y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay; at nang siya'y makapagpasalamat, ito ay kanyang pinagputul-putol, at sinabi, "Ito'y aking katawan na pinagputul-putol para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-aalaala sa akin." Sa gayunding paraan ay kinuha niya ang kopa, pagkatapos maghapunan, na sinasabi, "Ang kopang ito'y siyang bagong tipan sa aking dugo. Gawin ninyo ito tuwing kayo'y iinom nito, sa pag-aalaala sa akin." Sapagkat sa tuwing kainin ninyo ang tinapay na ito at inuman ang kopa, ipinahahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa dumating siya. Kaya't ang sinumang kumain ng tinapay o uminom sa kopa ng Panginoon sa paraang hindi nararapat, ay magkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. Siyasatin ninyo ang inyong sarili, at saka kumain ng tinapay, at uminom sa kopa. Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom na hindi kinikilala ang katawan ay kumakain at umiinom ng hatol sa kanyang sarili. Dahil dito, marami sa inyo ang mahihina at mga maysakit, at ang ilan ay namatay na. Subalit kung hinahatulan natin ang ating sarili, hindi tayo mahahatulan. Subalit kapag tayo'y hinatulan ng Panginoon, tayo ay sinusupil upang huwag tayong mahatulang kasama ng sanlibutan. Dahil dito, mga kapatid ko, kapag kayo'y nagtitipon upang kumain, maghintayan kayo. Kung nagugutom ang sinuman, kumain siya sa bahay, upang ang inyong pagtitipon ay huwag mauwi sa paghatol. Tungkol sa iba pang mga bagay ay magbibigay ako ng tagubilin pagdating ko. Ngayon, mga kapatid, hindi ko nais na wala kayong alam tungkol sa mga kaloob na espirituwal. Alam ninyo na nang kayo'y mga pagano pa, inakit at iniligaw kayo sa mga diyus-diyosan na hindi makapagsalita. Kaya't nais kong maunawaan ninyo na walang nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos na nagsasabi, "Sumpain si Jesus!" at walang makapagsasabi, "Si Jesus ay Panginoon," maliban sa pamamagitan ng Espiritu Santo. May iba't ibang uri ng mga kaloob, subalit iisang Espiritu. At may iba't ibang uri ng paglilingkod, subalit iisang Panginoon. May iba't ibang uri ng gawain, subalit iisang Diyos na gumagawa ng lahat ng mga bagay sa lahat. Subalit sa bawat isa ay ibinigay ang paghahayag ng Espiritu, upang pakinabangan ng lahat. Sa isa ay ibinigay sapamamagitan ng Espiritu ang salita ng karunungan, at sa iba'y ang salita ng kaalaman ayon sa gayunding Espiritu, sa iba'y pananampalataya sa pamamagitan ng gayunding Espiritu, at sa iba'y ang mga kaloob ng pagpapagaling sa pamamagitan ng isang Espiritu. Sa iba'y ang paggawa ng mga himala, sa iba'y propesiya, sa iba'y ang pagkilala sa mga espiritu, sa iba'y ang iba't ibang wika, at sa iba'y ang pagpapaliwanag ng mga wika. Ang lahat ng ito ay pinakilos ng iisa at gayunding Espiritu, na namamahagi sa bawat isa ayon sa pasiya ng Espiritu. Sapagkat kung paanong ang katawan ay iisa at marami ang mga bahagi, at ang lahat ay bahagi ng katawan, bagama't marami ay iisang katawan, gayundin si Cristo. Sapagkat sa pamamagitan ng isang Espiritu ay binautismuhan tayong lahat tungo sa isang katawan, maging Judio o Griyego, mga alipin o mga laya — at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu. Sapagkat ang katawan ay hindi iisang bahagi, kundi marami. Kung sasabihin ng paa, "Sapagkat hindi ako kamay, ay hindi ako sa katawan." Hindi sa kadahilanang ito, ay hindi na ito bahagi ng katawan. At kung sasabihin ng tainga, "Sapagkat hindi ako mata, ay hindi ako sa katawan." Hindi sa kadahilanang ito, ay hindi na ito bahagi ng katawan. Kung ang buong katawan ay mata, saan naroroon ang pandinig? Kung ang lahat ay pandinig, saan naroroon ang pang-amoy. Subalit ngayon ay inilagay ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan, ang bawat isa sa kanila ayon sa kanyang ipinasiya. At kung ang lahat ay isang bahagi, saan naroroon ang katawan? Subalit ngayon ay maraming mga bahagi ngunit iisa ang katawan. Ang mata ay hindi makapagsasabi sa kamay, "Hindi kita kailangan," at hindi rin makapagsasabi ang ulo sa mga paa, "Hindi ko kayo kailangan." Sa halip, ang mga bahagi ng katawan na wari'y mahihina ay kailangan. Ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating walang kapurihan, ay pinagkakalooban natin ng higit na kapurihan, at ang mga kahiya-hiyang bahagi natin ay siyang lalong pinararangalan, na ito ay hindi kailangan ng mga bahagi nating higit na magaganda. Subalit binuo ng Diyos ang katawan at binigyan ng higit na kapurihan ang bahaging may kakulangan; upang huwag magkaroon ng pagkakagulo sa katawan, kundi ang mga bahagi ay magkaroon ng magkatulad na malasakit sa isa't isa. Kapag ang isang bahagi ay naghihirap, lahat ay naghihirap na kasama niya; o kapag ang isang bahagi ay pinararangalan, sama-samang nagagalak ang mga bahagi. Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawat isa'y mga bahagi. At ang Diyos ay naglagay sa iglesya, una'y mga apostol, ikalawa'y mga propeta, ikatlo'y mga guro, saka mga gumagawa ng himala, saka mga kaloob ng pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba't ibang uri ng wika. Lahat ba'y mga apostol? Lahat ba'y mga propeta? Lahat ba'y mga guro? Lahat ba'y mga manggagawa ng mga himala? Lahat ba'y may mga kaloob ng pagpapagaling? Lahat ba'y nagsasalita ng mga wika? Lahat ba'y nagpapaliwanag? Subalit pagsikapan ninyong mithiin ang higit na dakilang mga kaloob. At ipapakita ko sa inyo ang isang daan na walang kahambing. Kung ako'y magsalita ng mga wika ng mga tao at ng mga anghel, subalit wala akong pag-ibig, ako'y nagiging isang maingay na pompiyang, o batingaw na umaalingawngaw. At kung mayroon akong kaloob ng propesiya, at nauunawaan ko ang lahat ng mga hiwaga at ang lahat ng mga kaalaman, at kung mayroon akong buong pananampalataya, upang mapalipat ko ang mga bundok, ngunit wala akong pag-ibig, ako ay walang kabuluhan. At kung ipamigay ko ang lahat ng aking ari-arian, at kung ibigay ko ang aking katawan upang sunugin, subalit walang pag-ibig, wala akong mapapakinabang. Ang pag-ibig ay matiisin at magandang loob; ang pag-ibig ay hindi maiinggitin, o mapagmalaki o hambog; hindi magaspang ang kilos. Hindi nito ipinipilit ang sariling kagustuhan, hindi mayayamutin, hindi nagtatala ng mga pagkakamali. Hindi ito natutuwa sa masamang gawa, kundi natutuwa sa katotohanan. Pinapasan nito ang lahat ng bagay, pinaniniwalaan ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay, tinitiis ang lahat ng bagay. Ang pag-ibig ay walang katapusan. Subalit maging mga propesiya ay matatapos; maging mga wika ay titigil; maging kaalaman ay lilipas. Sapagkat ang nalalaman natin ay bahagi lamang at nagsasalita tayo ng propesiya nang bahagi lamang; subalit kapag ang sakdal ay dumating, ang bahagi lamang ay magwawakas. Nang ako'y bata pa, nagsasalita akong gaya ng bata, nag-iisip akong gaya ng bata, nangangatuwiran akong gaya ng bata. Ngayong ganap na ang aking pagkatao, ay iniwan ko na ang mga bagay ng pagkabata. Sapagkat ngayo'y malabo nating nakikita sa isang salamin, ngunit pagkatapos nito ay makikita natin nang mukhaan. Ngayo'y bahagi lamang ang nalalaman ko, ngunit pagkatapos ay lubos kong mauunawaan kung papaanong ako ay lubos na nakikilala. At ngayon ay nananatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig. Pakamithiin ninyo ang pag-ibig at pagsikapan ninyong mithiin ang mga kaloob na espirituwal, lalung-lalo na ang kayo'y makapagpropesiya. Sapagkat ang nagsasalita ng ibang wika ay hindi sa mga tao nagsasalita kundi sa Diyos, sapagkat walang nakakaunawa sa kanya, yamang sa Espiritu siya nagsasalita ng mga hiwaga. Subalit ang nagsasalita ng propesiya ay nagsasalita sa mga tao para sa kanilang ikatitibay, ikasisigla, at ikaaaliw. Ang nagsasalita ng ibang wika ay pinapatibay ang sarili, ngunit ang nagsasalita ng propesiya ay pinapatibay ang iglesya. Ngayon, nais ko sanang kayong lahat ay magsalita ng mga wika, subalit lalo na ang kayo ay magsalita ng propesiya. Ang nagsasalita ng propesiya ay higit na dakila kaysa nagsasalita ng mga wika, malibang mayroong nagpapaliwanag upang ang iglesya ay mapatibay. Subalit ngayon, mga kapatid, kung ako'y dumating sa inyo na nagsasalita ng mga wika, anong inyong mapapakinabang sa akin, malibang ako'y magsalita sa inyo sa pamamagitan ng pahayag, o kaalaman, o propesiya, o ng aral? Maging ang mga bagay na walang buhay na tumutunog kagaya ng plauta, o alpa, kung hindi sila magbigay ng malinaw na tunog, paano malalaman kung ano ang tinutugtog? Sapagkat kung ang trumpeta ay magbigay ng di malinaw na tunog, sino ang maghahanda para sa digmaan? Gayundin naman kayo, kung sa isang wika ay nagsasalita kayo nang hindi nauunawaan, paanong malalaman ng sinuman kung ano ang sinabi? Sapagkat sa hangin kayo magsasalita. Walang alinlangan na napakaraming uri ng mga wika sa sanlibutan, at walang isa man na walang kahulugan. Subalit kung hindi ko nalalaman ang kahulugan ng wika, ako ay magiging isang banyaga sa nagsasalita, at ang nagsasalita ay magiging isang banyaga sa akin. Gayundin naman kayo, yamang kayo'y sabik sa kaloob na espirituwal, pagbutihin ninyo ang paggamit sa mga iyon para sa ikatitibay ng iglesya. Kaya't siyang nagsasalita ng wika ay dapat manalangin para sa kapangyarihang makapagpaliwanag. Sapagkat kung ako'y nananalangin sa wika, ang aking espiritu ay nananalangin, ngunit ang aking isipan ay hindi mabunga. Ano kung gayon ang aking gagawin? Ako'y mananalangin sa espiritu, at ako'y mananalangin din sa isipan; ako ay aawit sa espiritu, at ako'y aawit din sa isipan. Kung di gayon, kung ikaw ay nagpupuri sa espiritu, paanong ang isang nasa kalagayang hindi naturuan ay makapagsasabi ng Amen sa iyong pagpapasalamat, gayong hindi niya nalalaman ang iyong sinasabi? Sapagkat maaaring ikaw ay nagpapasalamat ng mabuti, subalit ang iba ay hindi napatitibay. Ako ay nagpapasalamat sa Diyos na ako'y nagsasalita ng mga wika na higit kaysa inyong lahat, ngunit sa iglesya, mas nanaisin ko pang magsalita ng limang salita sa pamamagitan ng aking pag-iisip, upang makapagturo ako sa iba, kaysa sampung libong mga salita sa ibang wika. Mga kapatid, huwag kayong mag-isip bata; sa kasamaan ay maging sanggol kayo, ngunit sa pag-iisip ay maging husto na sa gulang. Sa kautusan ay nakasulat, "Sa pamamagitan ng ibang mga wika, at sa pamamagitan ng mga labi ng mga banyaga ay magsasalita ako sa bayang ito, gayunma'y hindi sila makikinig sa akin," sabi ng Panginoon. Kaya nga, ang mga wika ay tanda, hindi para sa mga sumasampalataya, kundi sa mga hindi mananampalataya. Subalit ang propesiya ay hindi sa mga hindi mananampalataya, kundi sa mga sumasampalataya. Kaya't kung ang buong iglesya ay nagkakatipon at ang lahat ay nagsasalita ng mga wika, at pumasok ang mga hindi naturuan o hindi mga mananampalataya, hindi kaya nila sasabihing kayo'y mga nasisiraan ng isip? Subalit kung ang lahat ay nagpapahayag ng propesiya at pumasok ang isang hindi mananampalataya, o hindi naturuan, siya ay hinatulan ng lahat, siya ay pinananagot ng lahat. Pagkatapos na mabunyag ang mga lihim ng kanyang puso, ang taong iyon ay yuyukod, at kanyang sasambahin ang Diyos at ipahahayag, "Tunay na kasama ninyo ang Diyos." Ano kung gayon, mga kapatid? Kapag kayo'y nagkakatipon, bawat isa ay may isang awit, isang aral, isang pahayag, isang wika, isang pagpapaliwanag. Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay para sa pagpapatibay. Kung nagsasalita ang sinuman ng wika, dapat ay dalawa o hanggang tatlo lamang, at sunud-sunod ang bawat isa, at may isang magpaliwanag. Subalit kung walang tagapagpaliwanag, tumahimik ang bawat isa sa iglesya at magsalita sa kanyang sarili, at sa Diyos. Hayaang magsalita ang dalawa o tatlo sa mga propeta, at ang iba'y umunawa sa sinasabi. Kung may ipinahayag na anuman sa isang nakaupo, tumahimik muna ang nauna. Sapagkat kayong lahat ay isa-isang makapagpapahayag ng propesiya upang ang lahat ay matuto, at ang lahat ay mapasigla. At ang mga espiritu ng mga propeta ay nasasailalim ng mga propeta, sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan. Gaya sa lahat ng mga iglesya ng mga banal, ang mga babae ay dapat tumahimik sa mga iglesya, sapagkat sila'y hindi pinahihintulutang magsalita, kundi pasakop, gaya ng sinasabi ng kautusan. Kung mayroong anumang bagay na nais nilang malaman, tanungin nila ang kanilang mga asawa sa bahay; sapagkat kahiyahiya para sa isang babae ang magsalita sa iglesya. Ang salita ba ng Diyos ay nagmula sa inyo? O kayo lamang ba ang dinatnan nito? Kung iniisip ng sinuman na siya'y propeta, o taong espirituwal, dapat niyang kilalanin na ang aking isinusulat sa inyo ay utos ng Panginoon. Subalit kung ang sinuman ay hindi kumilala nito, siya ay hindi kikilalanin. Kaya, mga kapatid ko, masikap ninyong naisin na makapagsalita ng propesiya at huwag ninyong ipagbawal ang pagsasalita ng mga wika. Subalit gawin ang lahat ng mga bagay nang nararapat at may kaayusan. Ngayon, mga kapatid, ipinaaalala ko sa inyo ang magandang balita na ipinangaral ko sa inyo, na inyo nang tinanggap, na siya naman ninyong pinaninindigan, na sa pamamagitan nito kayo ay ligtas, kung matatag ninyo itong panghahawakan — malibang kayo'y sumampalataya nang walang kabuluhan. Sapagkat ibinigay ko sa inyo una sa lahat ang akin ding tinanggap: na si Cristo ay namatay para sa ating mga kasalanan, ayon sa mga kasulatan, at siya'y inilibing; at muling binuhay nang ikatlong araw ayon sa mga kasulatan, at siya'y nagpakita kay Cefas, at pagkatapos ay sa labindalawa. Pagkatapos ay nagpakita siyang minsanan sa mahigit na limang daang kapatid na ang karamihan sa mga ito ay buhay pa hanggang ngayon, bagaman ang mga iba'y namatay na. Pagkatapos ay nagpakita siya kay Santiago, pagkatapos ay sa lahat ng mga apostol. At sa katapusan, tulad sa isang ipinanganak nang wala sa panahon ay nagpakita rin siya sa akin. Sapagkat ako ang pinakahamak sa mga apostol, at hindi karapat-dapat na tawaging apostol sapagkat inusig ko ang iglesya ng Diyos. Subalit sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, ako ay ako, at ang kanyang biyaya na ibinigay sa akin ay hindi nawawalan ng kabuluhan. Sa halip, ako'y naglingkod nang higit kaysa kanilang lahat, bagaman hindi ako, kundi ang biyaya ng Diyos na nasa akin. Dahil dito, maging ako o sila, sa gayon kami ay nangangaral at kayo naman ay nanampalataya. At kung si Cristo ay ipinangangaral na binuhay mula sa mga patay, paanong ang ilan sa inyo ay nagsasabi na walang pagkabuhay na muli ng mga patay? Subalit kung walang pagkabuhay na muli ng mga patay, si Cristo man ay hindi muling binuhay, at kung si Cristo'y hindi muling binuhay, ang aming pangangaral ay walang kabuluhan, at ang inyong pananampalataya ay wala ring kabuluhan. At kami ay napatunayan pang mga bulaang saksi ng Diyos sapagkat kami ay nagpatunay tungkol sa Diyos, na kanyang muling binuhay si Cristo, na hindi naman niya muling binuhay, kung totoo na ang mga patay ay hindi muling binubuhay. Sapagkat kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, si Cristo man ay hindi muling binuhay. Kung si Cristo ay hindi muling binuhay, ang inyong pananampalataya ay walang kabuluhan, kayo'y nananatili pa rin sa inyong mga kasalanan. Kung gayon, ang mga namatay kay Cristo ay napahamak. Kung para sa buhay na ito lamang tayo umaasa kay Cristo, sa lahat ng mga tao ay tayo ang pinakakawawa. Subalit ngayon, si Cristo ay binuhay mula sa mga patay, na siya ang unang bunga ng mga namatay. Sapagkat yamang sa pamamagitan ng isang tao'y dumating ang kamatayan, sa pamamagitan din ng isang tao'y dumating ang pagkabuhay na muli ng mga patay. Sapagkat kung paanong kay Adan ang lahat ay namamatay, gayundin kay Cristo ang lahat ay bubuhayin. Subalit ang bawat isa'y ayon sa kanya-kanyang panahon. Si Cristo ang unang bunga; at pagkatapos ay ang mga kay Cristo sa kanyang pagdating. Pagkatapos ay darating ang wakas, kapag kanyang ibinigay ang kaharian sa Diyos Ama, pagkatapos na lipulin niya ang lahat ng paghahari at lahat ng kapamahalaan at kapangyarihan. Sapagkat siya'y kailangang maghari hanggang mailagay niya ang lahat ng kanyang mga kaaway sa ilalim ng kanyang paa. Ang huling kaaway na lilipulin ay ang kamatayan. Sapagkat ipinasakop ng Diyos ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang paa. Subalit kung sinasabi, "Lahat ng mga bagay ay ipinasakop," maliwanag na hindi siya kabilang na nagpasakop sa lahat ng bagay sa kanya. Subalit kapag ang lahat ng mga bagay ay ipinasakop na sa kanya, ang Anak ay pasasakop din sa kanya na nagpapasakop ng lahat ng mga bagay sa kanya, upang ang Diyos ay maging lahat sa lahat. Kung hindi gayon, anong gagawin ng mga tumatanggap ng bautismo para sa mga patay? Kung ang mga patay ay hindi na muling bubuhayin, bakit pa sila binabautismuhan para sa kanila? Bakit ba nanganganib kami bawat oras? Ako'y namamatay araw-araw! Mga kapatid, iyon ay kasing tiyak ng aking pagmamapuri sa inyo — isang pagmamapuri na aking ginagawa kay Cristo Jesus na ating Panginoon. Kung bilang isang tao lamang ay lumaban ako sa mga maiilap na hayop sa Efeso, ano ang aking mapapakinabang? Kung ang mga patay ay hindi muling binubuhay, "Tayo ay kumain at uminom, sapagkat bukas tayo'y mamamatay." Huwag kayong padaya: "Ang masasamang kasamahan ay sumisira ng magagandang ugali." Magpakatino kayo at magkaroon ng matuwid na pag-iisip at huwag na kayong magkasala, sapagkat ang iba ay walang kaalaman tungkol sa Diyos. Sinasabi ko ito para sa inyong kahihiyan. Subalit mayroong magtatanong, "Paano muling bubuhayin ang mga patay? Sa anong uri ng katawan sila darating?" Ikaw na hangal! Ang iyong inihahasik ay hindi nabubuhay malibang ito ay mamatay. At ang iyong inihasik ay hindi ang siya na ngang naging katawan, kundi ang binhi lamang, marahil ay sa trigo, o ilan sa ibang mga butil. Subalit ang Diyos ang nagbibigay dito ng katawan ayon sa kanyang nais, at sa bawat uri ng binhi ay ang sariling katawan nito. Hindi lahat ng laman ay magkatulad, subalit may isang uri para sa mga tao, at ibang laman para sa mga hayop, ibang laman para sa mga ibon, at ibang laman para sa mga isda. Mayroong mga katawang makalangit, at mga katawang makalupa, subalit iba ang kaluwalhatian ng makalangit, at iba naman ang makalupa. Mayroong kaluwalhatian ng araw, at iba ang kaluwalhatian ng buwan, at iba ang kaluwalhatian ng mga bituin, sapagkat ang isang bituin ay naiiba sa ibang bituin sa kaluwalhatian. Gayundin naman ang muling pagkabuhay ng mga patay. Itinanim na may pagkasira, binubuhay na muli na walang pagkasira. Ito ay itinatanim na walang dangal, ito ay binubuhay na may kaluwalhatian, itinatanim na may kahinaan, muling binubuhay na may kapangyarihan. Ito ay itinatanim na katawang laman, ito ay binubuhay na katawang espirituwal. Kung may katawang makalupa ay mayroon ding espirituwal. Kaya't nasusulat, "Ang unang taong si Adan ay naging buhay na nilalang." Ang huling Adan ay naging espiritung nagbibigay-buhay. Ngunit hindi una ang katawang espirituwal, kundi ang makalupa, pagkatapos ay ang espirituwal. Ang unang tao ay mula sa lupa, isang taong mula sa alabok. Ang ikalawang tao ay mula sa langit. Kung ano ang taong mula sa alabok, gayundin silang mula sa alabok, at kung ano ang taong mula sa langit ay gayundin silang makalangit. At kung paanong taglay natin ang larawan ng taong mula sa alabok, tataglayin din natin ang larawan ng taong makalangit. Mga kapatid, sinasabi ko ito: ang laman at dugo ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos; ni ang may pagkasira ay magmamana ng walang pagkasira. Makinig kayo, sasabihin ko sa inyo ang isang hiwaga. Hindi tayong lahat ay mamamatay, ngunit tayong lahat ay babaguhin, sa isang saglit, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng trumpeta, sapagkat ang trumpeta ay tutunog at ang mga patay ay mabubuhay na walang pagkasira at tayo'y babaguhin. Sapagkat kailangan na itong may pagkasira ay magbihis ng walang pagkasira, at itong may kamatayan ay magbihis ng walang kamatayan. Subalit kapag itong may pagkasira ay mabihisan ng walang pagkasira at itong may kamatayan ay mabihisan ng walang kamatayan, ay mangyayari ang salitang nasusulat, "Ang kamatayan ay nilamon sa pagtatagumpay." "O kamatayan, nasaan ang iyong pagtatagumpay? O kamatayan, nasaan ang iyong tibo?" Ang tibo ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang kapangyarihan ng kasalanan ay ang kautusan. Subalit salamat sa Diyos, na nagbibigay sa atin ng pagtatagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Kaya, mga kapatid kong minamahal, kayo'y maging matatag, hindi nakikilos, na laging sagana sa gawa ng Panginoon, yamang nalalaman ninyo na hindi walang kabuluhan ang inyong gawa sa Panginoon. Ngayon, tungkol sa ambagan para sa mga banal, ay gawin din ninyo gaya ng aking itinagubilin sa mga iglesya sa Galacia. Tuwing unang araw ng sanlinggo, ang bawat isa sa inyo ay magbukod at maglaan ayon sa kanyang makakaya, upang huwag nang gumawa ng mga ambagan pagdating ko. At pagdating ko, ang sinumang inyong pipiliin, ay sila ang aking isusugo na may mga sulat upang makapagdala ng inyong abuloy sa Jerusalem. Kung nararapat na ako ay pumaroon din ay sasamahan nila ako. Ako'y dadalaw sa inyo pagkaraan ko sa Macedonia, sapagkat balak kong dumaan sa Macedonia; at marahil ako'y titigil sa inyo o maaaring magpalipas ng tagginaw, upang ako'y matulungan ninyo, saan man ako pumunta. Ayaw kong makita kayo ngayon na dadaanan lamang, sapagkat ako'y umaasa na makagugol ng ilang panahon na kasama ninyo, kung itutulot ng Panginoon. Subalit ako'y titigil sa Efeso hanggang sa Pentecostes, sapagkat isang maluwag na pintuan para sa mabisang paggawa ang nabuksan sa akin, at marami ang mga kaaway. Kapag si Timoteo ay dumating, sikapin ninyo na wala siyang anumang kinakatakutan sa gitna ninyo, sapagkat siya'y gumagawa ng gawain ng Panginoon, na gaya ko. Sinuman ay huwag humamak sa kanya. Suguin ninyo siya sa kanyang paglalakbay na may kapayapaan upang siya'y makarating sa akin, sapagkat inaasahan ko siyang kasama ng mga kapatid. Tungkol naman kay kapatid na Apolos, pinakiusapan ko siyang mabuti na dalawin kayo kasama ng ibang mga kapatid, subalit hindi pa niya nais na pumariyan ngayon. Ngunit siya'y darating kapag mayroon na siyang pagkakataon. Magmatyag kayo, manindigan kayong matibay sa pananampalataya, magpakalalaki kayo, magpakatatag kayo. Lahat ng inyong ginagawa ay gawin ninyo sa pag-ibig. Mga kapatid, ngayon ay nakikiusap ako sa inyo. Nalalaman ninyo na ang sambahayan ni Estefanas ang mga unang bunga ng Acaia, at kanilang itinalaga ang kanilang sarili sa paglilingkod sa mga banal. Hinihiling ko sa inyo na kayo ay pasakop sa gayong mga tao at sa bawat isa na gumagawang kasama nila. Ako'y natutuwa sa pagdating nina Estefanas, Fortunato, at Acaico, sapagkat ang kakulangan ninyo ay pinunan nila. Sapagkat pinaginhawa nila ang aking espiritu at ang sa inyo. Kaya't magbigay kayo ng pagkilala sa gayong mga tao. Binabati kayo ng mga iglesya sa Asia. Kayo'y buong pusong binabati sa Panginoon nina Aquila at Prisca kasama ng iglesyang nasa kanilang bahay. Binabati kayo ng lahat ng mga kapatid. Magbatian kayo ng banal na halik. Akong si Pablo ang sumusulat ng pagbating ito sa aking sariling kamay. Kung ang sinuman ay hindi umiibig sa Panginoon ay sumpain siya. Maranatha. Ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo nawa. Ang aking pag-ibig kay Cristo Jesus ay sumainyo nawang lahat. Amen. Si Pablo, na apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at si Timoteo na ating kapatid, sa iglesya ng Diyos na nasa Corinto, kasama ng lahat ng mga banal na nasa buong Acaia: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng mga kaawaan at Diyos ng lahat ng kaaliwan; na umaaliw sa atin sa lahat ng ating kapighatian, upang maaliw natin ang nasa anumang kapighatian, sa pamamagitan ng kaaliwan na inialiw sa atin ng Diyos. Sapagkat kung paanong sumasagana sa atin ang mga pagdurusa ni Cristo, sa pamamagitan ni Cristo ay sumasagana rin sa atin ang kaaliwan. Subalit kung kami man ay pinahihirapan, ito ay para sa inyong kaaliwan at kaligtasan; at kung kami ay inaaliw, ito ay para sa inyong kaaliwan, na inyong dinanas kapag kayo'y matiyagang nagtitiis ng gayunding paghihirap na aming dinaranas. Ang aming pag-asa tungkol sa inyo ay matatag, sapagkat nalalaman namin na habang kayo'y karamay sa aming pagdurusa, kayo ay karamay din sa aming kaaliwan. Hindi namin ibig na di ninyo malaman, mga kapatid, ang tungkol sa mga kapighatian na naranasan namin sa Asia, sapagkat lubha kaming nabigatan ng higit sa aming kaya, anupa't kami ay nawalan na ng pag-asang mabuhay. Tunay na nadama namin na tinanggap na namin ang hatol na kamatayan,upang kami ay huwag magtiwala sa aming sarili, kundi sa Diyos na bumubuhay sa mga patay. Siya na nagligtas sa amin mula sa kakilakilabot na kamatayan at patuloy na magliligtas; sa kanya ay inilalagak namin ang ating pag-asa na muli niya kaming ililigtas. Dapat din ninyo kaming tulungan sa pamamagitan ng panalangin upang marami ang magpasalamat alang-alang sa amin para sa pagpapalang ipinagkaloob sa amin bilang kasagutan sa maraming mga panalangin. Sapagkat ang aming ipinagma-malaki ay ito, ang patotoo ng aming budhi; kami ay namuhay ng wasto sa sanlibutan, at lalo na sa inyo, na may kapayakan at maka-Diyos na katapatan, hindi ayon sa karunungan ng laman, kundi sa biyaya ng Diyos. Sapagkat hindi kami sumusulat sa inyo ng ibang mga bagay kundi kung ano ang inyong mababasa at mauunawaan; umaasa ako na lubos ninyong mauunawaan hanggang sa wakas. Gaya ng inyong bahagyang pagkakilala sa amin, na kami ay inyong maipagmalaki gaya ninyo na aming ipinagmamalaki sa araw ng Panginoong Jesus. Dahil sa pagtitiwalang ito, nais kong pumunta muna sa inyo, upang kayo'y magkaroon ng pangalawang biyaya. Nais kong dalawin kayo sa aking paglalakbay patungong Macedonia, at buhat sa Macedonia ay bumalik sa inyo, at nang matulungan ninyo ako sa aking paglalakbay patungong Judea. Ako kaya ay nag-aatubili nang naisin kong gawin ito? Ginagawa ko ba ang aking mga panukala na gaya ng taong makasanlibutan, na nagsasabi ng "Oo, oo" at gayundin ng "Hindi, hindi?" Ngunit kung paanong ang Diyos ay tapat, ang aming sinasabi sa inyo ay hindi "Oo at Hindi." Sapagkat ang Anak ng Diyos, si Jesu-Cristo na ipinangaral namin sa inyo sa pamamagitan ko, ni Silvano at ni Timoteo, ay hindi "Oo at Hindi", kundi sa kanya ay palaging "Oo." Sapagkat ang lahat ng mga pangako ng Diyos sa kanya ay "Oo." Kaya't sa pamamagitan niya ay aming sinasambit ang "Amen," sa ikaluluwalhati ng Diyos. Subalit ang nagpapatibay sa amin na kasama ninyo kay Cristo, at nagpahid sa amin ay ang Diyos, inilagay rin niya ang kanyang tatak sa amin, at ibinigay sa amin ang Espiritu sa aming mga puso bilang paunang bayad. Subalit tinatawagan ko ang Diyos upang sumaksi laban sa akin; upang hindi kayo madamay, hindi na ako muling pumunta sa Corinto. Hindi sa nais naming maging panginoon sa inyong pananampalataya, kundi kami ay mga kamanggagawa ninyo para sa inyong kagalakan, sapagkat kayo'y nakatayong matatag sa inyong pananampalataya. Sapagkat ipinasiya ko sa aking sarili, na hindi na ako muling paririyan sa inyo na may malungkot na pagdalaw. Sapagkat kung kayo'y palungkutin ko, sino ang magpapagalak sa akin, kundi iyong pinalungkot ko? At aking isinulat ang bagay na ito, upang pagdating ko ay huwag akong magkaroon ng kalungkutan mula doon sa mga nararapat magpagalak sa akin, sapagkat nakakatiyak ako sa inyong lahat na ang aking kagalakan ay magiging kagalakan ninyong lahat. Sapagkat mula sa maraming kapighatian at hapis ng puso ay sinulatan ko kayo na may maraming luha; hindi upang kayo'y maging malungkot kundi upang inyong malaman ang masaganang pag-ibig na taglay ko para sa inyo. Subalit kung ang sinuman ay nakapagdulot ng kalungkutan, hindi ako ang pinalungkot niya, kundi sa isang paraan ay kayong lahat, upang huwag akong maging lubhang maghigpit sa inyong lahat. Para sa gayong tao, ang kaparusahang ito ng nakararami ay sapat na. Bagkus, inyong patawarin siya at aliwin, baka siya ay madaig ng labis na kalungkutan. Kaya't ako'y nakikiusap sa inyo na papagtibayin ninyo ang inyong pag-ibig sa kanya. Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako sumulat, upang aking masubok kayo at malaman kung kayo'y masunurin sa lahat ng mga bagay. Ang inyong pinatatawad ay ipinatatawad ko rin. Ang aking pinatawad, kung ako'y nagpapatawad ay alang-alang sa inyo, sa harapan ni Cristo. At ito ay aming ginagawa upang huwag kaming malamangan ni Satanas, sapagkat kami ay hindi mangmang tungkol sa kanyang mga balak. Nang ako'y dumating sa Troas upang ipangaral ang ebanghelyo ni Cristo, may pintong nabuksan para sa akin sa Panginoon, subalit ang aking isipan ay hindi mapalagay, sapagkat hindi ko natagpuan doon si Tito na aking kapatid. Kaya't ako'y nagpaalam sa kanila at nagtungo sa Macedonia. Subalit salamat sa Diyos, na siyang laging nagdadala sa atin sa pagtatagumpay kay Cristo, at sa pamamagitan natin ay ipinahahayag ang samyo ng pagkakilala sa kanya sa bawat dako. Sapagkat kami ang mabangong samyo ni Cristo sa Diyos sa mga iniligtas at sa mga napapahamak; sa isa ay samyo mula sa kamatayan tungo sa kamatayan, at sa iba ay samyong mula sa buhay tungo sa buhay. At sino ang sapat para sa mga bagay na ito? Sapagkat kami ay hindi gaya ng marami na kinakalakal ang salita ng Diyos, kundi bilang mga taong tapat, bilang inatasan ng Diyos sa harapan ng Diyos ay nagsasalita kami para kay Cristo. Magsisimula ba kaming muli na purihin ang aming sarili? O kailangan ba namin, gaya ng iba, ng mga sulat ng papuri sa inyo, o mula sa inyo? Kayo mismo ang aming sulat na nasusulat sa aming mga puso, nakikilala at nababasa ng lahat ng mga tao: ipinapakita ninyo na kayo'y sulat ni Cristo na iniingatan namin, isinulat hindi ng tinta, kundi ng Espiritu ng Diyos na buhay, hindi sa mga tapyas ng bato kundi sa mga tapyas ng puso ng tao. Gayon ang pagtitiwalang taglay namin sa pamamagitan ni Cristo tungo sa Diyos. Hindi sa kami ay may kakayahan mula sa aming sarili upang angkinin ang anuman na nagmula sa amin, kundi ang aming kakayahan ay mula sa Diyos; na ginawa kaming may kakayahan na maging mga lingkod ng bagong tipan, hindi ng titik, kundi ng Espiritu, sapagkat ang titik ay pumapatay, subalit ang Espiritu ay nagbibigay buhay. Ngunit kung ang pangangasiwa ng kamatayan na nasusulat at nakaukit sa mga bato ay may kaluwalhatian, anupa't ang mga anak ni Israel ay hindi makatitig sa mukha ni Moises dahil sa kaluwalhatian ng kanyang mukha, na ang kaluwalhatiang iyon ay lumilipas, paanong ang pangangasiwa ng Espiritu ay hindi lalong magkakaroon ng kaluwalhatian? Sapagkat kung ang pangangasiwa ng kahatulan ay may kaluwalhatian, ang pangangasiwa ng katuwiran ay lalong may higit na kaluwalhatian. Tunay na sa ganitong kalagayan, ang dating may kaluwalhatian ay nawalan ng kanyang kaluwalhatian, dahil sa kaluwalhatiang nakahihigit dito. Sapagkat kung ang bagay na lumilipas ay may kaluwalhatian, ang nananatili ay may higit pang kaluwalhatian. Yamang kami ay mayroong gayong pag-asa, kami ay kumikilos na may malaking katapangan, hindi gaya ni Moises, na naglagay ng talukbong sa kanyang mukha upang hindi makita ng mga anak ni Israel ang katapusan ng bagay na lumilipas. Subalit ang kanilang mga pag-iisip ay tumigas, sapagkat hanggang sa araw na ito, kapag kanilang binabasa ang lumang tipan, ang dating talukbong ay nananatiling hindi itinataas, sapagkat tanging sa pamamagitan ni Cristo ito inaalis. Subalit hanggang sa araw na ito, tuwing binabasa ang kautusan ni Moises, may isang talukbong na nakatakip sa kanilang puso. Ngunit kapag ang isang tao ay bumabaling sa Panginoon, ang talukbong ay naaalis. Ngayon, ang Panginoon ay siyang Espiritu, at kung saan naroroon ang Espiritu ng Panginoon, mayroong kalayaan. At tayong lahat, na walang talukbong ang mukha, na nakikita ang kaluwalhatian ng Panginoon gaya ng sa isang salamin, ay nababago sa gayunding larawan, mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian, sapagkat ito ay mula sa Panginoon na siyang Espiritu. Dahil dito, sa pagkakaroon namin ng ministeryong ito sa pamamagitan ng aming tinanggap na habag, kami ay hindi pinanghihinaan ng loob. Kundi itinatakuwil namin ang mga kahiyahiyang bagay na nakatago. Kami ay tumatangging gumawa ng katusuhan o gamitin sa pandaraya ang salita ng Diyos, kundi sa pamamagitan ng pagpapahayag ng katotohanan ay ipinapakilala namin ang aming sarili sa bawat budhi ng mga tao sa harapan ng Diyos. At kahit ang aming ebanghelyo ay natatalukbungan pa, ito ay may talukbong lamang sa mga napapahamak. Sa kanilang kalagayan, binulag ng diyos ng sanlibutang ito ang pag-iisip ng mga hindi mananampalataya, upang huwag nilang makita ang liwanag ng ebanghelyo ng kaluwalhatian ni Cristo, na siyang larawan ng Diyos. Sapagkat hindi namin ipinangangaral ang aming sarili, kundi si Cristo Jesus bilang Panginoon, at kami ay inyong mga lingkod dahil kay Cristo. Sapagkat ang Diyos ang nagsabi, "Magningning ang ilaw sa kadiliman," na siyang tumatanglaw sa aming mga puso upang magbigay liwanag sa pagkakilala sa kaluwalhatian ng Diyos sa mukha ni Jesu-Cristo. Ngunit taglay namin ang kayamanang ito sa mga sisidlang lupa, upang ipakita na ang nag-uumapaw na kapangyarihan ay mula sa Diyos, at hindi mula sa amin. Sa bawat panig ay pinagmamalupitan kami, subalit hindi nadudurog, nililito subalit hindi nawawalan ng pag-asa; pinag-uusig, subalit hindi pinababayaan; inilulugmok, subalit hindi napupuksa; na laging tinataglay sa katawan ang kamatayan ni Jesus, upang ang buhay ni Jesus ay mahayag din sa aming katawan. Sapagkat habang nabubuhay, kami ay laging ibinibigay sa kamatayan dahil kay Jesus, upang ang buhay ni Jesus ay mahayag sa aming laman na may kamatayan. Kaya't ang kamatayan ay gumagawa sa amin, subalit ang buhay ay sa inyo. Yamang tayo ay mayroong parehong espiritu ng pananampalataya, na ayon sa bagay na nasusulat, "Sumampalataya ako, kaya't ako ay nagsasalita," kami rin ay sumasampalataya, kaya't kami ay nagsasalita; na aming nalalaman na ang bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa amin na kasama ni Jesus, at dadalhin kaming kasama ninyo sa kanyang harapan. Sapagkat ang lahat ng mga bagay ay alang-alang sa inyo, upang ang biyaya, habang parami nang parami ang mga taong naaabot nito, ay magparami ng pagpapasalamat sa ikaluluwalhati ng Diyos. Kaya't kami ay hindi pinanghihinaan ng loob, bagamat ang aming panlabas na pagkatao ay nabubulok, ang aming panloob na pagkatao ay binabago sa araw-araw. Sapagkat inihahanda tayo nitong magaan at panandaliang kapighatian para sa walang hanggan at di masukat na kaluwalhatian, sapagkat hindi kami tumitingin sa mga bagay na nakikita, kundi sa mga bagay na hindi nakikita, sapagkat ang mga bagay na nakikita ay may katapusan, subalit ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan. Sapagkat nalalaman namin na kung mawasak ang aming tolda sa lupa, mayroon kaming isang gusaling mula sa Diyos, bahay na hindi gawa ng mga kamay, walang hanggan sa sangkalangitan. Sapagkat dito kami ay dumaraing, na nasasabik mabihisan ng aming makalangit na tahanan, upang kung mabihisan na niyon ay hindi kami matagpuang hubad. Sapagkat habang kami ay nasa toldang ito, kami ay dumaraing na nabibigatan, hindi sa nais naming maging hubad, kundi nais naming kami'y mabihisan pa upang ang may kamatayan ay lunukin ng buhay. Ngayon, ang naghanda sa amin para sa bagay na ito ay Diyos, na nagbigay sa amin ng Espiritu bilang paunang bayad. Kaya't kami'y laging nagtitiwala, bagaman nalalaman namin na samantalang kami ay nasa tahanan sa katawan, kami ay malayo sa Panginoon. Sapagkat kami ay lumalakad sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin. Kaya't kami ay nagtitiwala at nasisiyahan na mapalayo sa katawan at mapasa tahanan na kasama ng Panginoon. Kaya't maging nasa tahanan o malayo sa tahanan, ang aming mithiin ay ang bigyan siya ng kasiyahan. Sapagkat tayong lahat ay kailangang humarap sa hukuman ni Cristo upang bawat isa ay tumanggap ng kabayaran sa mga bagay na ginawa niya sa pamamagitan ng katawan, maging mabuti o masama. Yamang nalalaman ang takot sa Panginoon, hinihikayat namin ang mga tao, ngunit kami ay hayag sa Diyos; at ako'y umaasa na kami ay hayag din sa inyong mga budhi. Hindi namin ipinagmamapuring muli ang aming sarili sa inyo, kundi binibigyan namin kayo ng pagkakataon na ipagmalaki kami, upang masagot ninyo ang mga nagmamalaki batay sa panlabas na kaanyuan at hindi sa puso. Kung kami ay wala sa aming sarili, ito ay para sa Diyos; kung kami ay nasa matinong pag-iisip, ito ay para sa inyo. Ang pag-ibig ni Cristo ang humihimok sa amin, sapagkat kami ay lubos na naniniwala na ang isa ay namatay para sa lahat; kaya't ang lahat ay namatay. Siya'y namatay para sa lahat, upang ang mga nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa para sa kanilang sarili, kundi para sa kanya na alang-alang sa kanila ay namatay at muling nabuhay. Kaya't mula ngayon ay hindi namin kinikilala ang sinuman ayon sa pananaw ng laman, bagaman kinikilala namin si Cristo ayon sa pananaw ng laman, ngunit ngayon ay hindi na gayon ang aming pagkakilala. Kaya't kung ang sinuman ay na kay Cristo, siya'y bagong nilalang; ang mga lumang bagay ay lumipas na, tingnan ninyo, ang lahat ay naging bago. Lahat ng ito ay mula sa Diyos, na tayo'y pinagkasundo niya sa kanyang sarili sa pamamagitan ni Cristo, at ibinigay niya sa amin ang ministeryo ng pakikipagkasundo. Samakatuwid, kay Cristo ay pinagkasundo ng Diyos ang sanlibutan at ang kanyang sarili na hindi ibinibilang sa kanila ang kanilang mga kasalanan, at ipinagkatiwala sa amin ang salita ng pakikipagkasundo. Kaya't kami ay mga sugo para kay Cristo, yamang ang Diyos ay nananawagan sa pamamagitan namin. Kami'y nananawagan sa pangalan ni Cristo, na kayo'y makipagkasundo sa Diyos. Para sa ating kapakanan, ginawa niyang may kasalanan siya na hindi nakakilala ng kasalanan, upang sa kanya tayo'y maging katuwiran ng Diyos. Yamang gumagawa kaming kasama niya, nananawagan din kami sa inyo na huwag ninyong tanggapin ang biyaya ng Diyos nang walang kabuluhan. Sapagkat sinasabi niya, "Sa panahong kanais-nais ay pinakinggan kita, at tinulungan kita sa araw ng kaligtasan." Ngayon na ang panahong kanais-nais; ngayon na ang araw ng kaligtasan. Hindi kami naglalagay ng katitisuran ng sinuman, upang walang kapintasang matagpuan sa aming ministeryo. Kundi, bilang mga lingkod ng Diyos, ipinagkakapuri namin ang aming sarili sa lahat ng mga bagay, sa pamamagitan ng maraming pagtitiis, mga kapighatian, mga kahirapan, mga paghihinagpis, mga pagkabugbog, mga pagkabilanggo, mga kaguluhan, mga paggawa, mga pagpupuyat, mga pagkagutom, sa kalinisan, kaalaman, pagtitiyaga, kagandahang loob, kabanalan ng espiritu, tunay na pag-ibig, makatotohanang pananalita, kapangyarihan ng Diyos, sa pamamagitan ng mga sandata ng katuwiran sa kanang kamay at sa kaliwa, sa pamamagitan ng karangalan at kasiraang puri, sa pamamagitan ng masamang pagkakilala at ng mabuting pagkakilala. Itinuring kaming mga mandaraya, gayunma'y matatapat, waring mga hindi kilala, gayunma'y kilalang-kilala, tulad sa naghihingalo, at narito, kami ay buhay; gaya ng mga pinarurusahan, subalit hindi pinapatay; ulad sa nalulungkot, gayunma'y laging nagagalak; tulad sa mga dukha, gayunma'y pinayayaman ang marami, gaya ng walang pag-aari, gayunma'y mayroon ng lahat ng bagay. Ang aming bibig ay bukas para sa inyo, mga taga-Corinto, ang aming puso ay pinalawak. Kayo ay hindi namin hinihigpitan, subalit kayo ay hinihigpitan ng sarili ninyong damdamin. Bilang ganti, nagsasalita akong tulad sa mga bata; palawakin din ninyo ang inyong mga puso. Huwag kayong makipamatok sa mga hindi mananampalataya, sapagkat anong pagsasama mayroon ang katuwiran at kasamaan? O anong pagsasama mayroon ang liwanag sa kadiliman? At anong pagkakasundo mayroon si Cristo kay Belial? O anong bahagi mayroon ang mananampalataya sa hindi mananampalataya? Anong pakikipagkaisa mayroon ang templo ng Diyos sa mga diyus-diyosan? Sapagkat tayo'y templo ng Diyos na buhay; gaya ng sinabi ng Diyos, "Ako'y mananahan sa kanila, at lalakad sa gitna nila, ako'y magiging kanilang Diyos, at sila'y magiging aking bayan. Kaya nga lumabas kayo sa kanila, at humiwalay kayo, sabi ng Panginoon, at huwag kayong humipo ng anumang bagay na marumi, at kayo'y aking tatanggapin, at ako'y magiging ama sa inyo, at kayo'y magiging aking mga anak na lalaki at babae, sabi ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat." Mga minamahal, yamang taglay natin ang mga pangakong ito, linisin natin ang ating mga sarili mula sa bawat karumihan ng laman at espiritu, na ginagawang sakdal ang kabanalan sa pagkatakot sa Diyos. Bigyan ninyo kami ng puwang sa inyong mga puso; hindi namin inapi ang sinuman, hindi namin sinira ang sinuman, hindi namin pinagsamantalahan ang sinuman. Hindi ko sinasabi ito upang hatulan kayo, sapagkat sinabi ko na nang una pa na kayo'y nasa aming mga puso, upang mamatay at mabuhay na kasama ninyo. Ako ay may malaking pagtitiwala sa inyo, ako ay may malaking pagmamapuri sa inyo, ako'y puno ng kaaliwan. Ako'y nag-uumapaw sa kagalakan sa lahat ng aming kapighatian. Sapagkat maging nang kami ay dumating sa Macedonia, ang aming mga katawan ay hindi nagkaroon ng kapahingahan, kundi pinipighati sa bawat paraan — sa labas ay labanan, sa loob ay takot. Subalit ang Diyos na umaaliw sa nalulungkot ay nagpasigla sa amin sa pamamagitan ng pagdating ni Tito, at hindi lamang sa pamamagitan ng kanyang pagdating, kundi maging sa kaaliwang ibinigay ninyo sa kanya, na ibinabalita niya sa amin ang inyong pananabik, ang inyong kapanglawan, ang inyong sigasig para sa akin, anupa't ako'y lalo pang nagalak. Sapagkat bagaman pinalungkot ko kayo sa pamamagitan ng aking sulat, hindi ko ito ipinagdaramdam: (bagama't aking dinamdam, sapagkat aking nalaman na ang sulat na ito ay nakapagpalungkot sa inyo, bagama't sa maikling panahon lamang). Ngayon, ako'y nagagalak hindi sapagkat kayo'y nalungkot, kundi sapagkat kayo'y nalungkot tungo sa pagsisisi, sapagkat kayo'y pinalumbay nang naaayon sa Diyos, upang kayo'y huwag magdusa ng kalugihan sa pamamagitan namin. Sapagkat ang kalungkutang naaayon sa Diyos ay nagbubunga ng pagsisisi tungo sa kaligtasan na hindi ipagdaramdam, subalit ang makasanlibutang kalungkutan ay nagbubunga ng kamatayan. Sapagkat tingnan ninyo ang ibinunga sa inyo ng kalungkutang ito na naaayon sa Diyos, kung anong pagtatanggol sa inyong mga sarili, kung anong pagkagalit, kung anong takot, pananabik, sigasig, at kaparusahan! Sa bawat bagay ay pinatunayan ninyo ang inyong pagiging malinis sa bagay na ito. Kaya't bagaman ako ay sumulat sa inyo, ito ay hindi dahil doon sa gumawa ng kamalian, o dahil doon sa ginawan ng kamalian, kundi upang ang inyong pagmamalasakit para sa amin ay mahayag sa inyo sa paningin ng Diyos. Kaya't kami'y naaliw. At sa aming kaaliwan ay lalo pa kaming nagalak dahil sa kagalakan ni Tito, sapagkat ang kanyang espiritu ay pinayapa ninyong lahat. Sapagkat kung ako ay nagpahayag sa kanya ng anumang pagmamalaki sa inyo, ay hindi ako nalagay sa kahihiyan; subalit kung paanong ang lahat ng aming sinabi ay totoo, kaya't ang aming pagmamalaki sa harap ni Tito ay napapatunayang totoo. At ang damdamin niya ay lalo pang sumagana para sa inyo, na kanyang naaalala ang pagtalima ninyong lahat, at kung paanong tinanggap ninyo siya na may takot at panginginig. Ako'y nagagalak sapagkat ako'y mayroong buong pagtitiwala sa inyo. Ngayon, nais naming malaman ninyo, mga kapatid, ang biyaya ng Diyos na ipinagkaloob sa mga iglesya ng Macedonia; kung paanong sa matinding pagsubok ng kapighatian, ang kasaganaan ng kanilang kagalakan at ang kanilang labis na kahirapan ay sumagana sa kayamanan ng kanilang kagandahang loob. Ako ay makapagpapatunay na sila ay kusang loob na nagbigay ayon sa kanilang kakayahan, at higit pa sa kanilang makakaya, na nakikiusap sa amin nang matindi tungkol sa biyaya na makibahagi sa paglilingkod sa mga banal. At ito ay hindi tulad sa aming inaasahan, kundi ibinigay muna nila ang kanilang sarili sa Panginoon, at sa amin sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos. Anupa't kami ay nakiusap kay Tito na yamang siya'y nagpasimula ay dapat din niyang tapusin sa inyo ang biyayang ito. Ngunit, yamang kayo'y sumasagana sa lahat ng mga bagay, sa pananampalataya, sa pananalita, sa kaalaman, sa buong kasipagan, at sa inyong pag-ibig sa amin, sikapin din ninyo na kayo ay sumagana sa biyayang ito. Sinasabi ko ito hindi bilang isang utos, ngunit aking sinusubok ang pagiging tunay ng inyong pag-ibig kapag inihambing sa kasigasigan ng iba. Sapagkat nalalaman ninyo ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na bagaman siya'y mayaman, subalit alang-alang sa inyo ay naging dukha, upang sa pamamagitan ng kanyang kadukhaan ay maging mayaman kayo. At sa bagay na ito ay nagbibigay ako ng payo: pinakamabuti para sa inyo ngayon na tapusin ang sinimulan ninyo nang nakaraang taon, hindi lamang upang gumawa kundi magkaroon ng pagnanais na gumawa. At ngayon, tapusin ninyo ang paggawa, upang kung paanong may sigasig sa pagnanais ay gayundin sa pagtatapos, ayon sa inyong kakayahan. Sapagkat kung mayroong pagnanais, tinatanggap ang kaloob ayon sa tinataglay, at hindi ayon sa hindi tinataglay. Hindi ko ibig sabihin na ang iba ay maginhawahan at kayo'y mabigatan, kundi para sa pagkakapantay-pantay, ang inyong kasaganaan sa kasalukuyang panahon ang magpuno sa kanilang kakulangan, upang ang kanilang kasaganaan ay magpuno sa inyong pangangailangan, upang magkaroon ng pagkakapantay-pantay. Gaya ng nasusulat, "Ang nagtipon ng marami ay hindi nagkaroon ng labis, at ang nagtipon ng kaunti ay hindi kinulang." Subalit salamat sa Diyos na naglagay ng gayunding pagsisikap para sa inyo sa puso ni Tito. Sapagkat tinanggap niya hindi lamang ang aming pakiusap at palibhasa siya'y lalong sumigasig, siya ay patungo sa inyo sa kanyang sariling kalooban. Isinusugo namin kasama niya ang kapatid na tanyag sa mga iglesya dahil sa kanyang pangangaral ng ebanghelyo. At hindi lamang iyon, kundi siya ay hinirang ng mga iglesya na maglakbay na kasama namin ukol sa biyayang ito na aming pinangangasiwaan, sa ikaluluwalhati ng Panginoon, at upang ipakita ang aming pagnanais. Iniiwasan namin ito upang huwag kaming sisihin tungkol sa kasaganaang ito na aming pinangangasiwaan; sapagkat isinasaalang-alang namin ang mga bagay na kapuri-puri hindi lamang sa harapan ng Panginoon, kundi maging sa harapan ng mga tao. At kasama nila ay isinusugo namin ang aming kapatid na maraming ulit naming napatunayang masikap sa maraming bagay, subalit ngayon ay higit pang masikap, dahil sa kanyang malaking pagtitiwala sa inyo. Tungkol kay Tito, siya'y aking katuwang at kamanggagawa sa paglilingkod sa inyo; at para sa aming mga kapatid, sila'y mga sugo ng mga iglesya, ang kaluwalhatian ni Cristo. Kaya't ipakita ninyo sa kanila sa harapan ng mga iglesya ang katunayan ng inyong pag-ibig, at ng aming pagmamalaki tungkol sa inyo. Ngayon, kalabisan na para sa akin na sulatan kayo tungkol sa paglilingkod para sa mga banal, sapagkat nalalaman ko ang inyong pananabik, na aking ipinagmamalaki tungkol sa inyo sa mga taga-Macedonia, na ang Acaia ay nakapaghanda na noong nakaraang taon pa, at ang inyong sigasig ay nakapukaw sa karamihan sa kanila. Subalit aking isinugo ang mga kapatid upang ang aming pagmamalaki tungkol sa inyo ay huwag mawalan ng kabuluhan sa bagay na ito, upang ayon sa aking sinabi, kayo'y makapaghanda, baka sakaling kung ang ilang taga-Macedonia ay dumating na kasama ko at kayo'y maratnang hindi handa, kami ay mapapahiya upang hindi na namin sabihing pati kayo, sa pagtitiwalang ito. Kaya't inisip ko na kailangang himukin ang mga kapatid na maunang pumariyan sa inyo, at ihanda agad ang inyong kaloob na ipinangako ang una, upang ito'y maihanda bilang isang kusang loob na handog at hindi sapilitan. At ito ang ibig kong sabihin: Ang naghahasik nang bahagya ay mag-aani rin nang bahagya, at ang naghahasik nang sagana ay mag-aani rin nang sagana. Ang bawat isa ay magbigay ayon sa ipinasiya ng kanyang puso, hindi mabigat sa kalooban, o dala ng pangangailangan, sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay na masaya. At kaya ng Diyos na pasaganain ang lahat ng biyaya sa inyo, upang sa pagkakaroon ninyo ng sapat sa lahat ng bagay ay palagi kayong sumagana sa bawat mabuting gawa. Gaya ng nasusulat, "Siya'y nagsabog, siya'y nagbigay sa mga dukha; ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman." Siyang nagbibigay ng binhi sa manghahasik at ng tinapay bilang pagkain ay siyang magbibigay at magpaparami ng inyong binhi upang ihasik, at magpaparami ng mga bunga ng inyong pagiging matuwid; na kayo ay pinayayaman sa bawat bagay dahil sa inyong kagandahang loob, na sa pamamagitan namin ay nagbubunga ng pasasalamat sa Diyos. Sapagkat ang pangangasiwa sa paglilingkod na ito ay hindi lamang pumupuno sa pangangailangan ng mga banal, kundi umaapaw rin sa pamamagitan ng maraming pasasalamat sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagpapatunay ng ministeryong ito, niluluwalhati ninyo ang Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa inyong pagpapahayag sa ebanghelyo ni Cristo, at dahil sa pagiging bukas palad ng inyong pag-aambag para sa kanila at sa lahat ng tao; habang sila ay nananabik sa inyo at nananalangin para sa inyo, dahil sa nag-uumapaw na biyaya ng Diyos sa inyo. Salamat sa Diyos dahil sa kanyang di mailarawang kaloob. Ako mismong si Pablo, ay nananawagan sa inyo sa pamamagitan ng kapakumbabaan at kaamuan ni Cristo, ako na sa mukhaan ay mapagkumbaba kapag kasama ninyo, ngunit matapang sa inyo kapag malayo! Ngayon, hinihiling ko na kapag ako'y kaharap, hindi ko kailangang magpakita ng tapang na may pagtitiwala na nais kong ipakita laban sa mga naghihinalang kami ay lumalakad ayon sa makasanlibutang gawi. Sapagkat bagaman kami ay lumalakad sa laman, ay hindi kami nakikipaglabang ayon sa laman. Sapagkat ang mga sandata ng aming pakikipaglaban ay hindi makalaman, kundi maka-Diyos na may kapangyarihang makagiba ng mga kuta. Aming ginigiba ang mga pangangatuwiran at bawat palalong hadlang laban sa karunungan ng Diyos, at binibihag ang bawat pag-iisip upang sumunod kay Cristo; na handang parusahan ang bawat pagsuway, kapag ang inyong pagsunod ay ganap na. Masdan ninyo ang mga bagay na nasa harapan ng inyong mga mata. Kung ang sinuman ay nagtitiwala na siya'y kay Cristo, paalalahanan niyang muli ang kanyang sarili na kung paanong siya'y kay Cristo, kami ay gayundin. Sapagkat bagaman ako ay nagmamalaki ng labis tungkol sa aming kapamahalaan na ibinigay ng Panginoon upang kayo ay patatagin at hindi upang kayo ay gibain, ako ay hindi mapapahiya, upang huwag akong parang nananakot sa inyo sa pamamagitan ng aking mga sulat. Sapagkat sinasabi nila, "Ang kanyang mga sulat ay mabibigat at matitindi; subalit ang anyo ng kanyang katawan ay mahina, at ang kanyang pananalita ay walang kabuluhan." ayaang isipin ng gayong tao na kung ano ang aming sinasabi sa pamamagitan ng mga sulat kapag kami ay wala, ay gayundin ang aming ginagawa kapag kami ay nakaharap. Hindi kami nangangahas na ibilang o ihambing ang aming sarili sa ilan sa mga nagmamalaki sa kanilang sarili. Subalit silang sumusukat sa kanilang sarili sa pamamagitan ng kanilang sarili, at inihahambing ang kanilang sarili sa isa't isa, sila ay hindi nakakaunawa. Subalit hindi kami magmamalaki ng lampas sa sukatan, kundi ayon sa hangganan ng panukat na itinakda ng Diyos sa amin, upang umabot hanggang sa inyo. Sapagkat hindi kami lumampas sa aming hangganan nang kami'y dumating sa inyo. Kami ang unang dumating sa inyo dala ang ebanghelyo ni Cristo. Hindi kami nagmamalaki nang lampas sa sukat, samakatuwid ay sa pinagpaguran ng iba, subalit ang aming pag-asa ay habang ang inyong pananampalataya ay lumalago, ang aming saklaw sa inyo ay lumawak nawa, upang aming maipangaral ang ebanghelyo sa mga lupain sa dako pa roon ng lupain ninyo, na hindi nagmamalaki sa mga gawang natapos na sa nasasakupan ng iba. "Ngunit siyang nagmamalaki ay magmalaki sa Panginoon." Sapagkat hindi ang pumupuri sa kanyang sarili ang tinatanggap, kundi siya na pinupuri ng Panginoon. Sana'y mapagtiisan ninyo ako sa kaunting kahangalan. Subalit tunay na nagtitiis kayo sa akin! Ako'y nakakaramdam sa inyo ng maka-Diyos na panibugho, sapagkat kayo'y itinakda kong mapangasawa ng isang lalaki, na kayo'y maiharap ko kay Cristo bilang isang malinis na birhen. Ngunit ako'y natatakot na kung paanong si Eva ay dinaya ng ahas sa pamamagitan ng kanyang katusuhan, ang inyong mga pag-iisip ay mailigaw mula sa katapatan at kadalisayan kay Cristo. Sapagkat kung may dumating na nangangaral ng ibang Jesus na hindi namin ipinangaral, o kung kayo'y tumanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap noon o ibang ebanghelyo na hindi ninyo tinanggap, kayo ay kaagad na napapasakop doon. Sa palagay ko ay hindi ako pahuhuli sa mga dakilang apostol na ito. Bagaman ako'y hindi bihasa sa pagsasalita, gayunma'y hindi sa kaalaman, kundi sa bawat paraan ay ginawa namin itong hayag sa inyo sa lahat ng mga bagay. Ako ba'y nagkasala sa pagpapakababa ko sa aking sarili upang kayo'y maitaas, dahil sa ipinangaral ko sa inyo nang walang bayad ang ebanghelyo ng Diyos? Aking ninakawan ang ibang mga iglesya sa pamamagitan ng pagtanggap ng sahod mula sa kanila upang makapaglingkod sa inyo. At nang ako'y kasama ninyo at nasa pangangailangan, ako'y hindi naging pasanin sa kanino man, sapagkat ang aking mga pangangailangan ay tinustusan ng mga kapatid na galing sa Macedonia. Kaya't aking iniwasan at iiwasan na maging pasanin ninyo sa anumang paraan. Kung paanong ang katotohanan ni Cristo ay nasa akin, walang makakapigil sa akin sa pagmamalaking ito sa mga lupain ng Acaia. At bakit? Sapagkat hindi ko kayo minamahal? Alam ito ng Diyos! At kung ano ang aking ginagawa ay patuloy kong gagawin, upang alisin ang pagkakataon doon sa mga nagnanais ng pagkakataon na kilalanin bilang mga kapantay namin tungkol sa ipinagmamalaki nila. Sapagkat ang gayong mga tao ay mga huwad na apostol, mga mandarayang manggagawa, na nagpapanggap na mga apostol ni Cristo. At hindi nakapagtataka! Sapagkat maging si Satanas man ay nagpapanggap na anghel ng liwanag. Kaya't hindi nakapagtataka na ang kanyang mga ministro naman ay magpanggap na mga ministro ng katuwiran. Ang kanilang wakas ay magiging ayon sa kanilang mga gawa. Inuulit ko, huwag isipin ng sinuman na ako'y hangal, ngunit kung gayon ang inyong iniisip, tanggapin ninyo ako bilang isang hangal upang ako rin ay makapagmalaki ng kaunti. Ang sinasabi ko ay hindi ko sinasabi ayon sa Panginoon, kundi bilang isang hangal sa ganitong mapagmalaking pagtitiwala. Yamang marami ang nagmamalaki sang-ayon sa pamantayan ng tao, ako ma'y magmamalaki. Sapagkat may kagalakan ninyong pinagtitiisan ang mga hangal, palibhasa'y marurunong kayo! Sapagkat pinagtitiisan ninyo ito kapag inaalipin kayo, o kapag nilalapa kayo, o kapag kayo'y pinagsasamantalahan, o kapag pinagyayabangan, o kapag kayo'y sinasampal sa mukha. Sa aking kahihiyan ay dapat kong sabihin, napakahina namin sa ganito! Ngunit kung ang sinuman ay malakas ang loob na nagmamalaki — ako ay nagsasalita bilang hangal — malakas din ang loob ko na ipagmalaki iyon. Sila ba'y mga Hebreo? Ako man. Sila ba'y mga Israelita? Ako man. Sila ba'y mga binhi ni Abraham? Ako man. Sila ba'y mga ministro ni Cristo? (Ako'y nagsasalita na parang isang baliw.) Lalo pa ako, na mas maraming pagpapagal, mas maraming pagkabilanggo, ng di mabilang na bugbog, at malimit na mabingit sa kamatayan. Sa mga Judio ay limang ulit akong tumanggap ng apatnapung hagupit, kulang ng isa. Tatlong ulit na ako'y hinampas ng mga pamalo, minsan ako'y pinagbabato. Tatlong ulit na akong nawasakan ng barko, isang araw at isang gabing ako'y nasa laot; nasa madalas na paglalakbay, nasa panganib sa mga ilog, panganib sa mga magnanakaw, panganib sa aking mga kababayan, panganib sa mga Hentil, panganib sa lunsod, panganib sa mga ilang, panganib sa dagat, panganib kasama ng mga huwad na kapatid; sa pagpapagal at hirap, sa mga pagpupuyat, sa gutom at uhaw, madalas na walang pagkain, giniginaw at hubad. Bukod sa mga bagay na nasa labas, ako'y araw-araw na nabibigatan sa alalahanin para sa mga iglesya. Sino ang mahina, at ako ba'y hindi mahina? Sino ang natitisod, at ako'y di nag-iinit? Kung kailangang ako'y magmalaki, ako'y magmamalaki sa mga bagay na nauukol sa aking kahinaan. Ang Diyos at Ama ng Panginoong Jesus (siyang pinupuri magpakailanpaman) ang nakakaalam na ako'y hindi nagsisinungaling. Sa Damasco, binantayan ng gobernador na sakop ng haring Aretas ang lunsod ng Damasco upang ako'y dakpin, subalit ako'y ibinaba sa isang tiklis palabas sa isang bintana sa pader at nakatakas sa kanyang mga kamay. Kailangang ako'y magmalaki, kahit ito'y hindi kapaki-pakinabang, ngunit ako ay magpapatuloy sa mga pangitain at mga pahayag ng Panginoon. Kilala ko ang isang lalaki kay Cristo, mayroon nang labing-apat na taon ang nakakaraan, dinala sa ikatlong langit (kung nasa katawan man, o kung nasa labas ng katawan, hindi ko alam; ang Diyos ang nakakaalam). At nalalaman ko na ang taong iyon (kung nasa katawan man, o nasa labas ng katawan, hindi ko alam; ang Diyos ang nakakaalam), ay dinala paitaas patungo sa Paraiso, at nakarinig ng mga salitang hindi dapat sabihin, na hindi ipinahihintulot sa tao na ulitin. Alang-alang sa taong iyon ako'y magmamalaki, ngunit alang-alang sa aking sarili ay hindi ako magmamalaki, maliban sa aking mga kahinaan. Ngunit kung nais kong magmalaki ay hindi ako magiging hangal, sapagkat ako'y magsasabi ng katotohanan. Ngunit nagpipigil ako upang walang sinumang mag-isip ng higit tungkol sa akin kaysa kanyang nakita o narinig sa akin, lalo na dahil sa kalabisan ng mga pahayag. Kaya't upang ako'y huwag magyabang ng labis, binigyan ako ng isang tinik sa laman, isang sugo ni Satanas upang ako'y saktan, upang ako'y huwag magmalaki ng labis. Tatlong ulit akong nanalangin sa Panginoon tungkol dito na lumayo sana ito sa akin. Subalit sinabi niya sa akin, "Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo, sapagkat ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan." Ako'y lalong magmamalaki na may galak sa aking kahinaan, upang ang kapangyarihan ni Cristo ay manatili sa akin. Kaya, alang-alang kay Cristo, ako'y nasisiyahan sa mga kahinaan, paglait, kahirapan, pag-uusig, at mga sakuna, sapagkat kapag ako'y mahina, ako nga'y malakas. Ako'y naging hangal! Pinilit ninyo ako, sapagkat ako ay dapat ninyong puritan: sapagkat ako'y hindi hamak na mababa sa mga dakilang apostol na iyon, kahit na ako'y walang kabuluhan. Tunay na ang mga tanda ng isang tunay na apostol ay isinagawa sa inyo na may buong pagtitiyaga, sa pamamagitan ng mga tanda at mga kababalaghan at ng mga gawang makapangyarihan. Sapagkat sa ano kayo naging huli sa ibang mga iglesya, maliban sa ako'y hindi naging pasanin ninyo? Patawarin ninyo ako sa pagkakamaling ito. Narito ako, handang pumariyan sa inyo sa ikatlong pagkakataon. Ako'y hindi magiging pasanin, sapagkat hindi ko hinahanap ang sa inyo, kundi kayo, sapagkat hindi nararapat ipag-impok ng mga anak ang mga magulang, kundi ang mga magulang para sa kanilang mga anak. Ako'y may malaking kagalakan na gugugol at gugugulin para sa inyo. Kung kayo'y iniibig ko nang lalong higit, ako ba'y dapat ibigin nang kaunti? Ako'y hindi naging pasanin sa inyo; gayunman sabi ninyo, yamang ako ay tuso, napaglalangan ko kayo sa pamamagitan ng daya. Kayo ba'y aking dinaya sa pamamagitan ng sinuman na aking sinugo sa inyo? Hinimok ko si Tito na humayo at sinugo kong kasama niya ang kapatid. Kayo ba'y dinaya ni Tito? Hindi ba kami kumilos sa iisang espiritu? Hindi ba gayundin ang aming naging mga hakbang? Iniisip ninyo na sa buong panahon ay ipinagtatanggol namin ang aming sarili sa harapan ninyo. Sa paningin ng Diyos kami ay nagsasalita kay Cristo. At ang lahat ng mga bagay ay para sa inyong ikatitibay, mga minamahal. Sapagkat natatakot ako na baka pagdating ko ay matagpuan ko kayong hindi gaya ng nais ko, at ako ay inyong matagpuang hindi gaya ng nais ninyo; na baka mayroong pag-aaway, paninibugho, galit, pagiging makasarili, paninirang-puri, tsismis, mga kapalaluan, at kaguluhan. Ako'y natatakot na kapag ako'y dumating na muli, ako'y gawing mapagpakumbaba ng Diyos sa harapan ninyo, at ako'y kailangang magdalamhati dahil sa marami na nagkasala noong una at hindi nagsisi sa karumihan, pakikiapid, at sa kahalayang ginawa nila. Ito ang ikatlong pagkakataon na ako'y darating sa inyo. Anumang bintang ay dapat pagtibayin ng dalawa o tatlong saksi. Aking binabalaan ang mga nagkasala noong una at lahat ng iba pa, at binabalaan ko sila ngayon habang wala pa, gaya ng ginawa ko nang ako'y kaharap sa ikalawa kong pagdalaw, na kapag ako'y muling dumating, sila ay hindi ko na pagbibigyan. Yamang naghahanap kayo ng katibayan na si Cristo ay nagsasalita sa akin, na siya ay hindi mahina sa pakikitungo sa inyo, kundi makapangyarihan sa inyo. Sapagkat siya'y ipinako mula sa kahinaan, subalit nabubuhay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Kami ay mahihina sa kanya, ngunit sa pakikitungo sa inyo, kami ay mabubuhay na kasama niya sa kapangyarihan ng Diyos. Siyasatin ninyo ang inyong mga sarili kung kayo'y nasa pananampalataya; subukin ninyo ang inyong mga sarili. Hindi ba ninyo nalalaman na si Jesu-Cristo ay nasa inyo? malibang kayo'y nabigo sa pagsubok. Ngunit ako'y umaasa na kami ay inyong matatagpuang hindi nabigo. Subalit nananalangin kami sa Diyos na kayo'y huwag gumawa ng anumang masama; hindi upang kami'y magmukhang nakapasa sa pagsubok, kundi upang inyong magawa kung ano ang mabuti, bagaman kami ay nagmistulang mga nabigo. Sapagkat kami'y walang magagawang anuman laban sa katotohanan, kundi tanging para sa katotohanan. Sapagkat kami'y natutuwa kung kami'y mahihina at kayo'y malalakas. At ito naman ang idinadalangin namin na kayo ay maging sakdal. Kaya't isinusulat ko ang mga bagay na ito samantalang ako'y wala pa sa inyo, upang kapag ako ay dumating ay hindi na ako kailangang maging mabagsik sa aking paggamit ng kapamahalaang ibinigay sa akin ng Panginoon para sa ikatatatag, at hindi sa ikawawasak. Sa katapus-tapusan, mga kapatid, magalak kayo. Isaayos ninyo ang mga bagay-bagay; palakasin ninyo ang isa't isa, magkaisa kayo ng pag-iisip, mabuhay kayo sa kapayapaan at ang Diyos ng pag-ibig at ng kapayapaan ay mapapasainyo. Magbatian ang isa't isa ng banal na halik. Binabati kayo ng lahat ng mga banal. Ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo, ang pag-ibig ng Diyos, at ang pakikisama ng Espiritu Santo ay sumainyo nawang lahat. Si Pablo na apostol — hindi mula sa mga tao, o sa pamamagitan man ng tao, kundi sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, at ng Diyos Ama, na muling bumuhay sa kanya mula sa mga patay — at ang lahat ng mga kapatid na kasama ko, Sa mga iglesya ng Galacia: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama, at sa ating Panginoong Jesu-Cristo, na nagbigay ng kanyang sarili dahil sa ating mga kasalanan, upang tayo'y kanyang mailigtas mula sa kasalukuyang masamang kapanahunan, ayon sa kalooban ng ating Diyos at Ama, sumakanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen. Ako'y namamangha na napakabilis ninyong iniwan siya na tumawag sa inyo sa biyaya ni Cristo at bumaling kayo sa ibang ebanghelyo. Hindi sa may ibang ebanghelyo, kundi mayroong ilan na nanggugulo sa inyo at nagnanais na baluktutin ang ebanghelyo ni Cristo. Subalit kahit kami, o isang anghel mula sa langit ang mangaral sa inyo ng ebanghelyo na iba sa aming ipinangaral sa inyo, ay hayaan siyang sumpain! Gaya ng aming sinabi noong una, at muli kong sinasabi ngayon, kung ang sinuman ay mangaral sa inyo ng ebanghelyo na iba kaysa inyong tinanggap na ay hayaan siyang sumpain! Ako ba'y naghahangad ngayon ng pagsang-ayon ng mga tao o ng Diyos? O sinisikap ko bang bigyang lugod ang mga tao? Kung ako'y nagbibigay lugod pa rin sa mga tao, hindi sana ako naging alipin ni Cristo. Sapagkat nais kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang ebanghelyo na aking ipinangaral ay hindi ayon sa tao. Sapagkat hindi ko ito tinanggap mula sa tao, o itinuro man sa akin, kundi sa pamamagitan ng pahayag ni Jesu-Cristo. Sapagkat inyong narinig ang uri ng aking dating pamumuhay sa Judaismo, kung paanong marahas kong inusig ang iglesya ng Diyos at sinikap na wasakin ito. At ako'y nanguna sa Judaismo nang higit kaysa marami sa mga kasing gulang ko sa aking mga kababayan, higit na masigasig ako sa mga tradisyon ng aking mga ninuno. Ngunit nang malugod ang Diyos na sa akin ay nagbukod, buhat pa sa sinapupunan ng aking ina, at sa akin ay tumawag sa pamamagitan ng kanyang biyaya, na ipahayag ang kanyang Anak sa akin, upang siya'y aking ipangaral sa mga Hentil; hindi ako sumangguni sa sinumang laman at dugo; o nagtungo man ako sa Jerusalem sa mga apostol na una sa akin, kundi nagtungo ako sa Arabia at muli akong nagbalik sa Damasco. Nang makaraan ang tatlong taon, nagtungo ako sa Jerusalem upang dalawin si Cefas, at namalaging kasama niya ng labinlimang araw. Ngunit wala akong nakita sa mga ibang apostol, maliban kay Santiago na kapatid ng Panginoon. Tungkol sa mga bagay na isinusulat ko sa inyo, sa harapan ng Diyos, hindi ako nagsisinungaling. Pagkatapos ay nagtungo ako sa mga lupain ng Siria at Cilicia. Ngunit hindi pa ako mukhang nakikilala sa mga iglesya ng Judea na kay Cristo. Narinig lamang nila na sinasabi, "Siya na dating umuusig sa atin ngayo'y ipinangangaral niya ang pananampalataya na dati'y sinikap niyang wasakin." At kanilang niluwalhati ang Diyos dahil sa akin. Pagkalipas ng labing-apat na taon, muli akong nagtungo sa Jerusalem kasama si Bernabe, at isinama ko rin si Tito. Ngunit ako'y nagtungo dahil sa isang pahayag, at isinaysay ko sa harapan nila ang ebanghelyo na aking ipinangangaral sa mga Hentil (subalit palihim sa harapan ng mga kinikilalang pinuno), baka sa anumang paraan ako'y tumatakbo, o tumakbo nang walang kabuluhan. Subalit maging si Tito na kasama ko ay hindi pinilit na patuli, bagama't isang Griyego. Subalit dahil sa mga huwad na kapatid na lihim na ipinasok, na pumasok upang tiktikan ang kalayaan na taglay namin kay Cristo Jesus, upang kami'y alipinin — sa kanila ay hindi kami sumuko upang magpasakop, kahit isang saglit, upang ang katotohanan ng ebanghelyo ay manatili sa inyo. Subalit mula sa mga wari'y mga kinikilalang pinuno — maging anuman sila, ay walang anuman sa akin: ang Diyos ay hindi nagpapakita ng pagtatangi — ang mga pinunong iyon ay hindi nagdagdag ng anuman sa akin. Kundi nang makita nila na sa akin ay ipinagkatiwala ang ebanghelyo para sa mga hindi tuli, kung paanong ipinagkatiwala kay Pedro ang ebanghelyo sa mga tuli, sapagkat ang gumawa sa pamamagitan ni Pedro sa pagka-apostol sa mga tuli ay siya ring gumawa sa akin sa pagka-apostol sa mga Hentil; at nang malaman nila ang biyayang sa akin ay ipinagkaloob, ang mga kanang kamay ng pakikisama ay ibinigay sa akin at kay Bernabe nina Santiago, Cefas at Juan, sila na itinuturing na mga haligi, upang kami ay pumunta sa mga Hentil, at sila'y para sa mga tuli. Ang kanila lamang hiniling ay aming alalahanin ang mga dukha, na siya namang aking pinananabikang gawin. Ngunit nang dumating si Cefas sa Antioquia, sumalungat ako sa kanya nang mukhaan, sapagkat siya'y nahatulang nagkasala. Bago dumating ang ilan mula kay Santiago, dati siyang nakikisalo sa mga Hentil. Ngunit nang sila'y dumating, siya'y umurong at humiwalay dahil natatakot sa pangkat ng pagtutuli. At ang ibang mga Judio ay nakisama sa kanya sa ganitong pagkukunwari, kaya't maging si Bernabe ay natangay ng kanilang pagkukunwari. Ngunit nang makita ko na hindi sila lumalakad nang matuwid sa katotohanan ng ebanghelyo, sinabi ko kay Cefas sa harapan nilang lahat, "Kung ikaw, na Judio, ay namumuhay gaya ng mga Hentil at di gaya ng mga Judio, bakit mo pinipilit ang mga Hentil na mamuhay na gaya ng mga Judio?" Tayo mismo ay ipinanganak na mga Judio, at hindi mga Hentil na makasalanan, at nalalaman natin na ang tao ay hindi inaaring ganap sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan, kundi sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo, at tayo ay sumasampalataya kay Cristo Jesus, upang ariing ganap sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at hindi sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan, sapagkat sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay hindi aariing ganap ang sinumang laman. Ngunit kung sa ating pagsisikap na ariing ganap kay Cristo, tayo mismo ay natagpuang mga makasalanan, si Cristo ba ay lingkod ng kasalanan? Huwag nawang mangyari! Kung ang mga bagay na aking sinira ay aking muling itayo, pinatutunayan ko sa aking sarili na ako'y suwail. Sapagkat ako sa pamamagitan ng kautusan ay namatay sa kautusan, upang ako'y mabuhay sa Diyos. Ako'y ipinakong kasama ni Cristo at hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin, at ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Diyos na sa akin ay nagmahal, at nagbigay ng kanyang sarili dahil sa akin. Hindi ko pinawawalang halaga ang biyaya ng Diyos, sapagkat kung ang pag-aaring ganap ay sa pamamagitan ng kautusan, kung gayon, si Cristo ay namatay nang walang kabuluhan. O hangal na mga taga-Galacia! Sino ang gumayuma sa inyo? Sa harapan ng inyong mga mata ay hayagang ipinakita si Jesu-Cristo na ipinako sa krus! Ang tanging bagay na nais kong matutuhan mula sa inyo ay ito: Tinanggap ba ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan, o sa pamamagitan ng pakikinig sa pananampalataya? Napakahangal ba ninyo? Nagpasimula kayo sa Espiritu, ngayon ba'y nagtatapos kayo sa laman? Inyo bang naranasan ang maraming bagay ng walang kabuluhan? — kung tunay nga na ito ay walang kabuluhan. Ang Diyos ba ay nagbibigay sa inyo ng Espiritu at gumagawa ng mga himala sa gitna ninyo sa pamamagitan ng inyong pagtupad sa mga gawa ng kautusan, o sa pakikinig sa pananampalataya? Kung paanong si Abraham ay sumampalataya sa Diyos, at ito'y ibinilang sa kanya na katuwiran. Kaya't inyong nakikita na ang mga sumasampalataya ay mga anak ni Abraham. At ang kasulatan, na nakakaalam nang una pa man na aariing ganap ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng pananampalataya, ay ipinahayag ang ebanghelyo nang una pa man kay Abraham, na sinasabi, "Sa iyo ay pagpapalain ang lahat ng mga bansa." Kaya't ang mga sumasampalataya ay pinagpapalang kasama ng mananampalatayang si Abraham. Sapagkat ang lahat na umaasa sa mga gawa ng kautusan ay nasa ilalim ng sumpa; sapagkat nasusulat, "Sumpain ang bawat isang hindi sumusunod sa lahat ng bagay na nasusulat sa aklat ng kautusan." Ngayon ay maliwanag na walang sinumang inaaring ganap sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng kautusan, sapagkat "Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya." Subalit ang kautusan ay hindi nakasalig sa pananampalataya; sa halip, "Ang gumagawa ng mga iyon ay mabubuhay sa mga iyon." Tinubos tayo ni Cristo mula sa sumpa ng kautusan nang siya'y naging sumpa para sa atin — sapagkat nasusulat, "Sumpain ang bawat binibitay sa punungkahoy" — upang kay Cristo Jesus ang pagpapala ni Abraham ay dumating sa mga Hentil, upang ating tanggapin ang pangako ng Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya. Mga kapatid, ako ay nagsasalita ayon sa tao, kapag napagtibay na ang tipan ng isang tao, walang makapagdaragdag o makapagpapawalang bisa nito. Ngayon, ang mga pangako ay ginawa kay Abraham at sa kanyang binhi. Hindi sinasabi, "At sa mga binhi," na tungkol sa marami: kundi tungkol sa iisa, 'At sa iyong binhi," na si Cristo. Ito ang ibig kong sabihin: "Ang kautusan, na dumating pagkaraan ng apat na raan at tatlumpung taon, ay hindi nagpapawalang bisa sa tipan na dati nang pinagtibay ng Diyos, upang pawalang saysay ang pangako. Sapagkat kung ang mana ay sa pamamagitan ng kautusan, ito ay hindi na sa pamamagitan ng pangako, subalit ipinagkaloob ito ng Diyos kay Abraham sa pamamagitan ng pangako. Bakit pa mayroong kautusan? Ito ay idinagdag dahil sa mga paglabag, hanggang sa dumating ang binhi na siyang pinangakuan; at ito'y ibinigay sa pamamagitan ng mga anghel sa kamay ng isang tagapamagitan. Ngayon, ang tagapamagitan ay nangangahulugan na may higit sa iisang panig; subalit ang Diyos ay iisa. Kung gayon, ang kautusan ba ay salungat sa mga pangako ng Diyos? Huwag nawang mangyari. Sapagkat kung ibinigay ang isang kautusan na makapagbibigay buhay, samakatuwid, ang katuwiran ay sa pamamagitan ng kautusan. Subalit ibinilanggo ng kasulatan ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kasalanan, upang ang ipinangako sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo ay maibigay sa mga sumasampalataya. Ngunit bago dumating ang pananampalataya, nabibilanggo tayo at binabantayan sa ilalim ng kautusan, hanggang sa ang pananampalataya ay ipahayag. Kaya't ang kautusan ay naging ating tagasupil hanggang sa dumating si Cristo, upang tayo'y ariing ganap sa pamamagitan ng pananampalataya. Subalit ngayong dumating na ang pananampalataya, tayo ay wala na sa ilalim ng tagasupil. Sapagkat kay Cristo Jesus, kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. Sapagkat ang lahat na sa inyo na binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo. Walang Judio o Griyego, walang alipin o malaya, walang lalaki o babae, sapagkat kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus. At kung kayo'y kay Cristo, kayo nga'y mga binhi ni Abraham, mga tagapagmana ayon sa pangako. Ganito ang ibig kong sabihin: ang tagapagmana, habang bata pa ay hindi nakahihigit sa mga alipin bagama't siya ang may-ari ng lahat, subalit siya ay nasa ilalim ng mga tagapangalaga at mga katiwala hanggang sa panahong itinakda ng ama. Gayundin tayo, nang tayo'y mga bata pa, tayo'y naalipin sa mga panimulang aral ng sanlibutan. Subalit nang dumating ang ganap na kapanahunan, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, na ipinanganak ng isang babae, [at] ipinanganak sa ilalim ng kautusan, upang tubusin ang mga nasa ilalim ng kautusan, upang matanggap natin ang pagkupkop bilang mga anak. At sapagkat kayo'y mga anak, isinugo ng Diyos ang Espiritu ng kanyang Anak sa ating mga puso, na sumisigaw, "Abba, Ama!" Kaya't hindi ka na alipin kundi anak; at kung anak, ay tagapagmana. Subalit noong una, nang hindi pa ninyo kilala ang Diyos, kayo'y naging mga alipin ng mga hindi likas na diyos. Subalit ngayong nakikilala na ninyo ang Diyos, o sa halip ay kinikilala na kayo ng Diyos, bakit muli kayong nagbabalik sa mahihina at hamak na mga panimulang aral, na sa mga iyon ay nais ninyong muling maging mga alipin? Nangingilin kayo ng mga araw, mga buwan, mga panahon, at mga taon. Ako'y natatakot na nagpagal ako sa inyo nang walang kabuluhan. Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo, kayo'y maging kagaya ko, sapagkat ako'y naging katulad din ninyo. Wala kayong ginawang masama sa akin. Nalalaman ninyo na dahil sa karamdaman ng katawan ay una kong ipinangaral sa inyo ang ebanghelyo. Bagaman ang aking kalagayan ay naging isang pagsubok sa inyo, hindi ninyo ako hinamak o kinasuklaman kundi tinanggap na gaya sa isang anghel ng Diyos, gaya ni Cristo Jesus. Nasaan na ngayon ang inyong kagandahang loob? Sapagkat ako'y nagpapatotoo sa inyo, na kung maaari sana ay dinukit na ninyo ang inyong mga mata at ibinigay sa akin. Ako ba ngayo'y naging kaaway ninyo sa pagsasabi ko sa inyo ng katotohanan? Sila'y masigasig sa inyo, subalit hindi para sa mabuting layunin; nais nilang ihiwalay kayo, upang kayo'y maging masigasig sa kanila. Subalit mabuti ang maging laging masigasig sa mabuting bagay at hindi lamang kapag ako'y kaharap ninyo. Minamahal kong mga anak, na para sa inyo ay muli akong nakakaranas ng hirap ng panganganak hanggang si Cristo ay mabuo sa inyo. Nais kong makaharap kayo ngayon at baguhin ang aking tono, sapagkat ako'y nag-aalinlangan tungkol sa inyo. Sabihin ninyo sa akin, kayong nagnanais mapasailalim ng kautusan, hindi ba ninyo naririnig ang kautusan? Sapagkat nasusulat na si Abraham ay nagkaroon ng dalawang anak, isa mula sa aliping babae, at ang isa ay sa babaing malaya. Subalit ang mula sa alipin ay ipinanganak ayon sa laman, at ang mula sa babaing malaya ay sa pamamagitan ng pangako. Ang mga bagay na ito ay isang paghahambing, sapagkat ang mga babaing ito'y dalawang tipan. Ang isa ay si Hagar na mula sa bundok ng Sinai na nanganganak para sa pagkaalipin. Ngayon, si Hagar ay bundok ng Sinai sa Arabia at katumbas ng kasalukuyang Jerusalem, sapagkat siya'y nasa pagkaalipin kasama ng kanyang mga anak. Ngunit ang Jerusalem na nasa itaas ay malaya, na siyang ating ina. Sapagkat nasusulat, "Magalak ka, ikaw na baog, ikaw na hindi nanganganak; bigla kang umawit at sumigaw, ikaw na hindi nakakaranas ng sakit sa panganganak; sapagkat mas marami pa ang mga anak ng pinabayaan kaysa mga anak ng may asawa." At kayo, mga kapatid, tulad ni Isaac, ay mga anak ng pangako. Subalit kung paanong inusig noon ng ipinanganak ayon sa laman ang ipinanganak ayon sa Espiritu, gayundin naman ngayon. Subalit ano ang sinasabi ng kasulatan? "Palayasin ang aliping babae at ang kanyang anak, sapagkat hindi magmamana ang anak ng babaing alipin na kasama ng anak ng babaing malaya." Kaya, mga kapatid, hindi tayo mga anak ng babaing alipin, kundi ng babaing malaya. Para sa kalayaan ay pinalaya tayo ni Cristo; kaya't magpakatatag kayo at huwag pasakop na muli sa pamatok ng pagkaalipin. Makinig kayo! Akong si Pablo ay nagsasabi sa inyo na kung kayo'y patutuli, si Cristo ay hindi magiging pakinabang sa inyo. At muli kong pinatotohanan sa bawat taong nagpatuli na siya'y may pananagutang tumupad sa buong kautusan. Kayo'y hiwalay kay Cristo, kayong mga nagnanais ariing ganap sa pamamagitan ng kautusan; nahulog kayo mula sa biyaya. Sapagkat sa pamamagitan ng Espiritu, sa pananampalataya ay naghihintay tayo sa pag-asa ng katuwiran. Sapagkat kay Cristo Jesus, ang pagtutuli o di pagtutuli ay walang kabuluhan, kundi ang pananampalataya na gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig. Kayo ay tumatakbo noon ng mabuti, sino ang humadlang sa inyo sa pagsunod sa katotohanan? Ang paghikayat na iyon ay hindi nagmula sa tumatawag sa inyo. Ang kaunting lebadura ay nagpapaalsa sa buong masa. Ako'y nagtitiwala sa Panginoon, na hindi kayo mag-iisip ng iba pa. Subalit sinuman siyang nanggugulo sa inyo ay tatanggap ng parusa. Ngunit ako, mga kapatid, kung ipinangangaral ko pa ang pagtutuli, bakit pa ako inuusig? Kung gayon, ang katitisuran ng krus ay inalis na. Ibig ko sana na ang mga nanggugulo sa inyo ay kapunin nila ang kanilang sarili. Sapagkat kayo, mga kapatid, ay tinawag sa kalayaan; subalit huwag lamang ninyong gagamitin ang inyong kalayaan bilang isang kadahilanan para sa laman, kundi sa pamamagitan ng pag-ibig ay maging alipin kayo ng isa't-isa. Sapagkat ang buong kautusan ay natutupad sa isang pangungusap, "Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili." Ngunit kung kayo-kayo ang nagkakagatan at nagsasakmalan, mag-ingat kayo, baka kayo'y magkaubusan. Subalit sinasabi ko, lumakad kayo ayon sa Espiritu, at huwag ninyong bigyang kasiyahan ang mga pagnanasa ng laman. Sapagkat ang laman ay nagnanasa laban sa Espiritu, at ang Espiritu ay laban sa laman; sapagkat ang mga ito ay laban sa isa't-isa, upang hindi ninyo magawa ang mga bagay na nais ninyong gawin. Subalit kung kayo'y pinapatnubayan ng Espiritu, kayo ay wala sa ilalim ng kautusan. Ngayon ay hayag ang mga gawa ng laman, ang mga ito ay pakikiapid, karumihan, kahalayan, pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, alitan, pagtatalo, paninibugho, pagkagalit, pagkamakasarili, pagkakabaha-bahagi, mga pagkakampi-kampi, pagkainggit, paglalasing, kalayawan, at ang mga katulad nito. Binabalaan ko kayo, gaya ng aking pagbabala noong una sa inyo, na ang mga gumagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharianng Diyos. Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang loob, kabutihan, katapatan, kaamuan, at pagpipigil sa sarili. Laban sa mga ito ay walang kautusan. At ipinako sa krus ng mga na kay Cristo Jesus ang laman na kasama ang masasamang pagnanasa at mga kahalayan nito. Kung tayo'y nabubuhay sa pamamagitan ng Espiritu, lumakad din tayo sa patnubay ng Espiritu. Huwag tayong maging palalo, na ginagalit ang isa't-isa at naiinggit sa isa't-isa. Mga kapatid, kung ang isang tao ay natagpuan sa anumang pagsuway, kayong mga espirituwal ay dapat panunumbalikin siya sa espiritu ng kaamuan. Tingnan ang iyong sarili, baka ikaw ay matukso rin. Dalhin ninyo ang mga pasanin ng isa't-isa, at sa gayon ay matutupad ninyo ang kautusan ni Cristo. Sapagkat kung inaakala ng sinuman na siya'y may kabuluhan, gayong wala naman siyang kabuluhan, ay dinadaya niya ang kanyang sarili. Ngunit subukin ng bawat isa ang kanyang sariling gawa, at kung magkagayon, ang kanyang dahilan upang magmalaki ay sa kanyang sarili lamang, at hindi sa kanyang kapwa. Sapagkat ang bawat tao ay dapat magdala ng kanyang sariling pasan. Ang tinuturuan ng salita ay dapat magbahagi sa nagtuturo ng lahat ng mga bagay na mabuti. Huwag kayong padaya; ang Diyos ay hindi maaaring lokohin, sapagkat ang anumang ihasik ng tao, ay siya rin niyang aanihin. Sapagkat ang naghahasik para sa kanyang sariling laman ay mula sa laman mag-aani ng kasiraan; subalit ang naghahasik sa Espiritu, mula sa Espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan. At huwag tayong manghinawa sa paggawa ng mabuti, sapagkat sa takdang panahon ay mag-aani tayo, kung hindi tayo manlulupaypay. Kaya't habang may pagkakataon, gumawa tayo ng mabuti sa lahat, lalung-lalo na sa mga kabilang sa sambahayan ng pananampalataya. Tingnan ninyo kung sa gaano kalalaking mga titik sumusulat ako sa inyo sa pamamagitan ng aking sariling kamay! Ang mga nais gumawa ng magandang palabas sa laman ang siyang pumipilit sa inyo na magpatuli, upang hindi sila usigin dahil sa krus ni Cristo. Sapagkat maging ang mga nagpatuli ay hindi rin naman tumutupad ng kautusan; ngunit ibig nila kayong magpatuli upang sila'y makapagmalaki sa inyong laman. Subalit huwag nawang mangyari sa akin ang magmalaki, maliban sa krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na sa pamamagitan nito ang sanlibutan ay ipinako sa krus para sa akin, at ako'y sa sanlibutan. Sapagkat' ang pagtutuli o ang di pagtutuli ay walang kabuluhan, kundi ang bagong nilalang. Kapayapaan at kaawaan nawa ang sumakanilang lahat na lumalakad sa alituntuning ito, at maging sa Israel ng Diyos. Buhat ngayon ay huwag akong guluhin ng sinuman; sapagkat taglay ko sa aking katawan ang mga bakas ng paghihirap ni Jesus. Mga kapatid, ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo nawang espiritu. Amen. Si Pablo, apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, sa mga banal [na nasa Efeso], at sa mga mananampalataya kay Cristo Jesus: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Purihin nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na siyang nagpapala sa atin kay Cristo ng bawat pagpapalang espirituwal sa sangkalangitan, ayon sa pagkapili niya sa atin sa kanya bago itinatag ang sanlibutan, upang tayo'y maging banal at walang dungis sa harapan niya sa pag-ibig. Tayo'y itinalaga sa pagkukupkop upang maging kanyang mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa kabutihan ng kanyang kalooban, para sa ikapupuri ng kanyang maluwalhating biyaya, na ipinagkaloob niya ng walang bayad sa atin sa pamamagitan ng Minamahal. Sa kanya'y mayroon tayong katubusan sa pamamagitan ng kanyang dugo, na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kanyang biyaya, na pinasagana niya sa atin sa lahat ng karunungan at pagkaunawa, na ipinaalam niya sa atin ang hiwaga ng kanyang kalooban, ayon sa mabuting layunin na kanyang itinakda kay Cristo, bilang katiwala ng kaganapan ng panahon, upang tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nasa ibabaw ng lupa; sa kanya ay tumanggap din tayo ng isang mana, na itinalaga nang una pa ayon sa layunin niya na gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa kanyang pasiya at kalooban; upang tayo na unang umasa kay Cristo ay mabuhay upang purihin ang kanyang kaluwalhatian. Sa kanya'y kayo rin naman, na nakarinig ng salita ng katotohanan, ang ebanghelyo ng inyong kaligtasan, at kayo na sumampalataya sa kanya, ay tinatakan ng ipinangakong Espiritu Santo. Siya ang katibayan ng ating mana, hanggang sa ikatutubos ng pag-aari, sa ikapupuri ng kanyang kaluwalhatian. Dahil dito, sapagkat narinig ko rin naman ang inyong pananampalataya sa Panginoong Jesus, at ang inyong pag-ibig sa lahat ng mga banal, hindi ako tumitigil ng pagpapasalamat para sa inyo, na binabanggit kayo sa aking mga panalangin, upang ang Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng kaluwalhatian, ay magkaloob sa inyo ng espiritu ng karunungan at ng pahayag sa isang ganap na pagkakilala sa kanya, yamang naliwanagan ang mga mata ng inyong puso, upang malaman ninyo kung ano ang pag-asa sa kanyang pagtawag, kung ano ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng kanyang pamana sa mga banal, at kung ano ang di masukat na kadakilaan ng kanyang kapangyarihan sa atin na sumasampalataya, ayon sa paggawa ng kapangyarihan ng kanyang lakas. Kanyang isinagawa ito kay Cristo, nang kanyang muling buhayin siya mula sa mga patay, at pinaupo sa kanyang kanan sa sangkalangitan, higit na mataas kaysa lahat ng pamunuan, kapamahalaan, kapangyarihan, at paghahari, at sa bawat pangalan na pinangalanan, hindi lamang sa panahong ito, kundi maging sa darating na panahon. At kanyang inilagay ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang mga paa, at ginawa siyang ulo ng lahat ng mga bagay sa iglesya, na siyang katawan niya, ang kapuspusan niya na pumupuspos ng lahat sa lahat. Kayo noo'y mga patay sa inyong mga pagsalangsang at mga kasalanan, na dati ninyong nilakaran, ayon sa lakad ng sanlibutang ito, ayon sa pinuno ng kapangyarihan ng himpapawid, ng espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway. Tayong lahat ay dating nabuhay sa gitna ng mga ito, sa mga pagnanasa ng laman, na ating ginagawa ang mga nais ng laman at ng pag-iisip, at tayo noo'y katutubong mga anak ng kapootan, gaya naman ng mga iba. Ngunit ang Diyos, palibhasa'y mayaman sa awa, dahil sa kanyang malaking pag-ibig sa atin, maging noong tayo'y mga patay sa pamamagitan ng ating mga pagsuway, binuhay niya tayo kay Cristo — sa pamamagitan ng biyaya kayo'y naligtas, at tayo'y muling binuhay na kasama niya, at pinaupong kasama niya sa sangkalangitan, kay Cristo Jesus, upang kanyang maipakita sa mga panahong darating ang di masukat na kayamanan ng kanyang biyaya sa kagandahang loob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Sapagkat sa biyaya kayo'y naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito'y hindi sa pamamagitan ng inyong sarili, ito'y kaloob ng Diyos; hindi sa pamamagitan ng mga gawa, upang ang sinuman ay huwag magmalaki. Sapagkat tayo'y kanyang pinakamahusay na gawa, na nilalang kay Cristo Jesus para sa mabubuting gawa, na inihanda ng Diyos nang una pa upang siya nating lakaran. Kaya nga, alalahanin ninyo na noong una, kayo'y mga Hentil sa laman, tinatawag na di tuli ng mga tinatawag na tuli sa laman, na ginawa ng mga kamay ng tao, na nang panahong iyon, kayo ay walang Cristo, hiwalay sa pagiging mamamayan ng Israel, at mga dayuhan sa mga tipan ng pangako, walang pag-asa at walang Diyos sa sanlibutan. Subalit ngayon ay na kay Cristo Jesus, kayo na noong una ay malayo, ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. Sapagkat siya ang ating kapayapaan, na kanyang pinag-isa ang dalawa, at sa pamamagitan ng kanyang laman ay giniba ang gitnang pader ng alitang humahati. Kanyang pinawalang bisa ang kautusang mga batas sa mga alituntunin upang siya ay lumalang sa kanyang sarili ng isang bagong tao, kapalit ng dalawa, sa gayo'y gumagawa ng kapayapaan, at kanyang papagkasunduin ang dalawa sa isang katawan sa Diyos sa pamamagitan ng krus, na sa pamamagitan niyon ay pinatay ang alitan. At siya'y dumating at ipinangaral ang kapayapaan sa inyo na malalayo, at kapayapaan sa mga malalapit. Sapagkat sa pamamagitan niya, kapwa tayong makakalapit sa isang Espiritu patungo sa Ama. Kaya nga, hindi na kayo mga dayuhan at banyaga, kundi kayo'y mga kapwa mamamayan ng mga banal at mga kaanib ng sambahayan ng Diyos, na itinayo sa saligang inilagay ng mga apostol at ng mga propeta, na si Cristo Jesus ang batong panulok. Sa kanya ang buong gusali ay nakalapat na mabuti at lumalaki tungo sa pagiging isang banal na templo sa Panginoon; na sa kanya kayo rin ay magkasamang itinatayo upang maging tahanan ng Diyos sa Espiritu. Dahil dito, akong si Pablo ay bilanggo ni Cristo Jesus alang-alang sa inyong mga Hentil, — kung tunay na inyong narinig ang pagkakatiwala ng biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin para sa inyo; na sa pamamagitan ng pahayag ay ipinaalam sa akin ang hiwaga, gaya ng nauna kong isinulat sa iilang mga salita. Sa inyong pagbasa ay mauunawaan ninyo ang aking pagkaunawa sa hiwaga ni Cristo. Sa naunang mga salinlahi ay hindi ito ipinaalam sa mga anak ng mga tao, na gaya ngayon na ipinahayag na sa kanyang mga banal na apostol at propeta sa pamamagitan ng Espiritu: na ang mga Hentil ay mga kapwa tagapagmana, at mga bahagi ng iisang katawan, at mga kabahagi sa pangako kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng ebanghelyo. Tungkol sa ebanghelyong ito ako'y naging lingkod ayon sa kaloob ng biyaya ng Diyos na sa akin ay ibinigay ayon sa paggawa ng kanyang kapangyarihan. Bagaman ako ang pinakahamak sa lahat ng mga banal, ang biyayang ito ay ibinigay sa akin upang ipangaral sa mga Hentil ang mga di masukat na mga kayamanan ni Cristo; at maliwanagan ang lahat ng mga tao kung ano ang pagiging katiwala sa hiwaga, na sa lahat ng panahon ay inilihim ng Diyos na lumalang ng lahat ng mga bagay, upang sa pamamagitan ng iglesya ay maipaalam ngayon sa mga pinuno at sa mga kapamahalaan sa sangkalangitan ang iba't ibang anyo ng karunungan ng Diyos. Ito ay ayon sa walang hanggang panukala na kanyang ginawa kay Cristo Jesus na Panginoon natin, na sa kanya'y makakalapit tayo sa Diyos na may lakas ng loob at pagtitiwala sa pamamagitan ng ating pananampalataya sa kanya. Kaya't hinihiling ko na huwag kayong manlupaypay sa mga pagdurusa ko dahil sa inyo, na ito'y para sa inyong kaluwalhatian. Dahil dito ay iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama, na sa kanya'y ipinangalan ang bawat sambahayan sa langit at sa lupa, upang sa inyo'y ipagkaloob niya ayon sa kayamanan ng kanyang kaluwalhatian, na kayo'y palakasin ng kapangyarihan sa pamamagitan ng kanyang Espiritu sa pagkataong loob; upang si Cristo ay manirahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya, kung paanong kayo'y nag-uugat at tumitibay sa pag-ibig. Aking idinadalangin na magkaroon kayo ng kapangyarihang matarok, kasama ng lahat ng mga banal, ang luwang, haba, taas, at lalim, at upang makilala ang pag-ibig ni Cristo na higit sa kaalaman upang kayo'y mapuno ng lahat ng kapuspusan ng Diyos. Ngayon, sa kanya na makakagawa ng higit na sagana kaysa lahat ng ating hinihingi o iniisip, ayon sa kapangyarihang gumagawa sa atin, sumakanya nawa ang kaluwalhatian sa iglesya at kay Cristo Jesus sa lahat ng mga salinlahi, magpakailanpaman. Amen. Kaya't ako na bilanggo sa Panginoon ay nagsusumamo sa inyo na kayo'y lumakad ng nararapat sa pagkatawag na sa inyo'y itinawag, na may lubos na kapakumbabaan at kaamuan, may pagtitiyaga, na magparaya sa isa't isa sa pag-ibig; na nagsisikap na mapanatili ang pagkakaisa ng Espiritu sa buklod ng kapayapaan. May isang katawan at isang Espiritu, kung paanong tinawag kayo sa isang pag-asa ng pagkatawag sa inyo, isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo, isang Diyos at Ama ng lahat, na siyang nasa ibabaw ng lahat, at sumasa lahat, at nasa lahat. Subalit sa bawat isa sa atin ay ibinigay ang biyaya ayon sa sukat ng kaloob ni Cristo. Kaya't sinasabi, "Nang umakyat siya sa itaas ay dinala niyang bihag ang pagkabihag, at nagbigay siya ng mga kaloob sa mga tao." (Nang sabihing, "Umakyat siya," anong ibig sabihin nito, kundi siya'y bumaba rin sa mas mababang bahagi ng lupa? Ang bumaba ay siya ring umakyat sa kaitaasan ng sangkalangitan upang kanyang mapuspos ang lahat ng mga bagay.) Pinagkalooban niya ang iba na maging mga apostol, ang iba'y propeta, ang iba'y ebanghelista, at ang iba'y pastor at mga guro; upang ihanda ang mga banal sa gawain ng paglilingkod, sa ikatitibay ng katawan ni Cristo, hanggang makarating tayong lahat sa pagkakaisa ng pananampalataya, at sa ganap na pagkakilala sa Anak ng Diyos, hanggang maging taong may sapat na gulang, hanggang sa sukat ng ganap na kapuspusan ni Cristo. Tayo'y huwag nang maging mga bata, na tinatangay-tangay ng mga alon at dinadala-dala ng bawat hangin ng aral, sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang mga katusuhan sa paraang mapandaya. Kundi humahawak sa katotohanan na may pag-ibig, lumago tayong lahat sa kanya, na siyang ulo, samakatuwid ay si Cristo, na sa kanya ang buong katawan na nakalapat na mabuti at nagkakaisa sa pamamagitan ng bawat litid, ayon sa paggawa sa sukat ng bawat bahagi ay nagpapalaki sa katawan tungo sa ikatitibay ng sarili sa pag-ibig. Kaya't sinasabi ko ito at pinatototohanan sa Panginoon, na kayo'y hindi na dapat lumakad na gaya ng lakad ng mga Hentil, sa kawalang saysay ng kanilang mga pag-iisip. Nagdilim ang kanilang mga pang-unawa, palibhasa'y nahiwalay sa buhay ng Diyos, dahil sa kanilang kamangmangan, dahil sa katigasan ng kanilang mga puso; sila'y naging manhid at ibinigay ang kanilang sarili sa kahalayan, sakim sa paggawa ng bawat uri ng karumihan. Ngunit hindi sa gayong paraan ninyo natutuhan si Cristo! Kung tunay na siya'y inyong narinig at tinuruan sa kanya, kung paanong ang katotohanan ay na kay Jesus, alisin ninyo ang dating paraan ng inyong pamumuhay, ang dating pagkatao na pinasama sa pamamagitan ng mapandayang pagnanasa, at magbago sa espiritu ng inyong pag-iisip, at kayo'y magbihis ng bagong pagkatao, na nilalang ayon sa wangis ng Diyos, sa katuwiran at kabanalan ng katotohanan. Kaya't pagkatapos itakuwil ang kasinungalingan, ang bawat isa ay magsalita ng katotohanan sa kanyang kapwa, sapagkat tayo'y mga bahagi ng isa't isa. Magalit kayo ngunit huwag magkasala; huwag hayaang lubugan ng araw ang inyong galit, at huwag bigyan ng pagkakataon ang diyablo. Ang nagnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, kundi magtrabaho at gumawa siya sa pamamagitan ng kanyang sariling mga kamay ng mabuting bagay, upang siya'y may maibahagi sa nangangailangan. Anumang masamang salita ay hindi dapat lumabas sa inyong bibig, kundi ang mabuti lamang para sa ikatitibay, ayon sa pangangailangan, upang ito ay makapagbigay ng biyaya sa mga nakikinig. At huwag ninyong pighatiin ang Espiritu Santo ng Diyos, na sa pamamagitan niya kayo'y tinatakan para sa araw ng pagtubos. Lahat ng pait, galit, poot, pag-aaway, at paninirang puri ay inyong alisin, pati lahat ng kasamaan, at maging mabait kayo sa isa't isa, mga mahabagin, nagpapatawad sa isa't isa, gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos kay Cristo. Kaya kayo'y tumulad sa Diyos, gaya ng mga anak na minamahal, at lumakad kayo sa pag-ibig, gaya ng pag-ibig ni Cristo sa atin at ibinigay ang kanyang sarili para sa atin bilang handog at alay sa Diyos upang maging samyo ng masarap na amoy. Ngunit ang pakikiapid, ang lahat ng karumihan, o kasakiman, ay huwag sanang mabanggit sa inyo, gaya ng nararapat sa mga banal. Gayundin ang karumihan at hangal na pagsasalita, o mga pagbibiro na di nararapat, kundi ang pagpapasalamat. Sapagkat inyong nalalaman na bawat mapakiapid, o mahalay, o sakim, na sumasamba sa mga diyus-diyosan, ay walang mamanahin sa kaharian ni Cristo at ng Diyos. Huwag kayong padaya sa mga salitang walang katuturan, sapagkat dahil sa mga bagay na ito'y dumarating ang galit ng Diyos sa mga anak ng pagsuway. Kaya't huwag kayong makibahagi sa kanila; sapagkat kayo'y dating kadiliman, subalit ngayon ay liwanag sa Panginoon. Lumakad kayong gaya ng mga anak ng liwanag — (sapagkat ang bunga ng liwanag ay nasa lahat ng mabuti, matuwid at katotohanan) na inaalam kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon. At huwag kayong makibahagi sa mga gawa ng kadiliman na walang ibubunga, kundi inyong ilantad ang mga ito. Sapagkat ang mga bagay na palihim nilang ginagawa ay kahiya-hiyang sabihin, subalit ang lahat ng mga bagay na inilantad sa pamamagitan ng liwanag ay nakikita, sapagkat anumang bagay na nakikita ay liwanag. Kaya't sinasabi, "Gumising ka, ikaw na natutulog, at bumangon mula sa mga patay, at si Cristo ay magliliwanag sa iyo." Kaya't maging maingat kayo sa inyong paglakad, hindi gaya ng mga mangmang, kundi gaya ng marurunong, na sinasamantala ang panahon, sapagkat ang mga araw ay masasama. Kaya't huwag kayong maging mga hangal, kundi unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon. Huwag kayong magpakalasing sa alak, na ito ay labis na kahalayan, kundi mapuno kayo ng Espiritu. Kayo'y magsalita sa isa't isa sa mga awit at mga himno at mga awiting espirituwal, na sa inyong mga puso ay nag-aawitan at gumagawa ng himig sa Panginoon, laging nagpapasalamat sa lahat ng mga bagay sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sa Diyos na ating Ama. Pasakop kayo sa isa't isa dahil sa takot kay Cristo. Mga asawang babae, pasakop kayo sa inyu-inyung mga asawa, gaya ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon. Sapagkat ang asawang lalaki ang ulo ng asawang babae, gaya ni Cristo na ulo ng iglesya, na siya ang tagapagligtas ng katawan. Subalit kung paanong ang iglesya ay napapasakop kay Cristo, gayundin ang mga asawang babae sa kanilang mga asawa sa lahat ng mga bagay. Mga asawang lalaki, mahalin ninyo ang inyu-inyung mga asawa, gaya ni Cristo na nagmahal sa iglesya, at ibinigay ang kanyang sarili alang-alang sa kanya; upang kanyang pakabanalin siya, na nilinis sa pamamagitan ng paghuhugas ng tubig sa salita, upang kanyang maiharap sa kanyang sarili ang isang maluwalhating iglesya, na walang batik, o kulubot, o anumang gayong bagay, kundi siya ay maging banal at walang dungis. Gayundin naman, nararapat ibigin ng mga asawang lalaki ang kanya-kanyang sariling asawa gaya ng kanilang sariling mga katawan. Ang umiibig sa kanyang sariling asawa ay umiibig sa kanyang sarili. Sapagkat walang sinumang napoot sa kanyang sariling katawan, kundi inaalagaan at iniingatan ito, gaya naman ni Cristo sa iglesya; sapagkat tayo ay mga bahagi ng kanyang katawan. Dahil dito iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, magsasama sila ng kanyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman. Ang hiwagang ito ay dakila, subalit ako ay nagsasalita tungkol kay Cristo at sa iglesya. Gayunman, dapat ibigin ng bawat isa sa inyo ang kanyang sariling asawa gaya ng kanyang sarili, at igalang ng babae ang kanyang asawa. Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sa Panginoon, sapagkat ito'y matuwid. "Igalang mo ang iyong ama at ina" — ito ang unang utos na may pangako, "upang maging mabuti ang inyong kalagayan at ikaw ay mabuhay nang matagal sa ibabaw ng lupa." At mga ama, huwag ninyong ibunsod sa galit ang inyong mga anak, kundi akayin ninyo sila sa pagsasanay at pangaral ng Panginoon. Mga alipin, sundin ninyo ang inyong mga panginoon sa laman na may takot at panginginig, sa katapatan ng inyong puso, na gaya ng kay Cristo, hindi ang paglilingkod sa paningin, na gaya ng pagbibigay lugod sa mga tao, kundi gaya ng mga alipin ni Cristo, na ginagawa ang kalooban ng Diyos mula sa puso, naglilingkod na may mabuting kalooban, na gaya ng paglilingkod sa Panginoon, at hindi sa mga tao, yamang nalalaman na anumang mabuting bagay na gawin ng bawat tao, ito ay kanyang muling tatanggapin mula sa Panginoon, maging alipin o malaya. At mga panginoon, gayundin ang inyong gawin sa kanila, iwasan ang pananakot yamang nalalaman ninyo na kayo ay may iisang Panginoon sa langit, at siya'y walang itinatanging tao. Sa kahuli-hulihan, patuloy kayong magpakalakas sa Panginoon, at sa kapangyarihan ng kanyang lakas. Isuot ninyo ang buong kasuotang pandigma ng Diyos upang kayo'y makatagal laban sa mga pakana ng diyablo. Sapagkat ang ating pakikipaglaban ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pinuno, laban sa mga may kapangyarihan, laban sa mga kapangyarihang di nakikita na naghahari sa sanlibutan sa kadilimang ito, laban sa hukbong espirituwal ng kasamaan sa kalangitan. Kaya't kunin ninyo ang buong baluti ng Diyos, upang kayo'y makatagal sa araw na masama, at kung magawa na ninyo ang lahat ay tumayong matatag. Kaya't tumindig kayo, na ang inyong mga baywang ay nabibigkisan ng katotohanan na suot ang baluti ng katuwiran, at nakasuot sa inyong mga paa ang pagiging handa para sa ebanghelyo ng kapayapaan. Kasama ng lahat ng mga ito, taglayin ninyo ang kalasag ng pananampalataya, na sa pamamagitan nito ay inyong masusugpo ang mga nag-aapoy na palaso ng masama. At taglayin ninyo ang helmet ng kaligtasan, at ang tabak ng Espiritu, na siyang salita ng Diyos. Manalangin kayo sa Espiritu sa lahat ng panahon sa bawat panalangin at pagsamo. At sa bagay na ito ay maging handa na may buong pagtitiyaga at pagsusumamo para sa lahat ng mga banal. Idalangin din ninyo ako upang ako'y pagkalooban ng pananalita sa pagbubukas ng aking bibig, upang ipahayag na may katapangan ang hiwaga ng ebanghelyo, na dahil dito ako'y isang sugong may tanikala; upang ito'y aking maipahayag na may katapangan gaya ng nararapat na aking sabihin. At upang malaman din ninyo ang mga bagay tungkol sa akin at ang aking kalagayan, si Tiquico ang siyang magsasalaysay sa inyo ng lahat ng mga bagay. Siya na aking minamahal na kapatid at tapat na lingkod sa Panginoon. Isinusugo ko siya sa inyo para sa bagay na ito, upang malaman ninyo ang mga bagay tungkol sa amin, at upang kanyang pasiglahin ang inyong mga puso. Kapayapaan nawa sa mga kapatid, at pag-ibig na may pananampalataya mula sa Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Ang biyaya nawa'y sumakanilang lahat na mayroong pag-ibig na di kumukupas sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Si Pablo at si Timoteo, na mga alipin ni Cristo Jesus, sa lahat ng mga banal kay Cristo Jesus na nasa Filipos, kasama ang mga obispo at ang mga diakono: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Ako'y nagpapasalamat sa aking Diyos tuwing kayo'y aking naaalala, na laging nananalanging may kagalakan sa bawat panalangin ko para sa inyong lahat, dahil sa inyong pakikibahagi sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, mula nang unang araw hanggang ngayon. Ako'y panatag sa bagay na ito, na ang nagpasimula sa inyo ng mabuting gawa ay siyang magtatapos nito hanggang sa araw ni Jesu-Cristo. Matuwid na aking isipin ang gayon tungkol sa inyong lahat, sapagkat kayo'y nasa aking puso, yamang kayong lahat ay kabahagi ko sa biyaya, sa aking mga tanikala, at sa pagtatanggol at pagpapatunay sa ebanghelyo. Sapagkat saksi ko ang Diyos, kung gaano ang pananabik ko sa inyong lahat sa pagmamahal ni Cristo Jesus. Idinadalangin ko na ang inyong pag-ibig ay lalo pang sumagana sa kaalaman at sa lahat ng pang-unawa; upang inyong makilala ang mga bagay na magaling; at kayo'y maging mga tapat at walang kapintasan hanggang sa araw ni Cristo; na mapuspos ng mga bunga ng katuwiran, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, sa kaluwalhatian at kapurihan ng Diyos. big kong malaman ninyo, mga kapatid, na ang mga bagay na nangyari sa akin ay nakatulong sa paglago ng ebanghelyo, anupa't ang aking mga tanikala kay Cristo ay nahayag sa lahat ng mga bantay ng pretorio, at sa mga iba pa, at ang karamihan sa mga kapatid sa Panginoon, na nagkaroon ng tiwala dahil sa aking mga tanikala ay lalong nagkaroon ng katapangang ipahayag ng walang takot ang salita ng Diyos. Tunay na ipinangangaral ng iba si Cristo dahil sa pagkainggit at sa pakikipagpaligsahan, ngunit ang iba naman ay dahil sa mabuting kalooban. Ang huli ay gumagawa dahil sa pag-ibig, palibhasa'y nalalaman na ako'y itinalaga sa pagtatanggol sa ebanghelyo; ngunit ipinangangaral ng una si Cristo dahil sa pagkakampi-kampi, hindi sa katapatan, na ang hangarin ay dagdagan ng hirap ang aking mga tanikala. Ano nga? Kahit sa anumang paraan, maging sa pagkukunwari o sa katotohanan, ay ipinahahayag si Cristo; at sa ganito'y nagagalak ako. Oo, at ako'y patuloy na magagalak, sapagkat nalalaman ko na ang kahihinatnan nito'y sa aking ikaliligtas, sa pamamagitan ng inyong mga panalangin at sa saganang tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo. Ayon sa aking lubos na inaasahan at pag-asa, na sa anuman ay hindi ako mapapahiya, kundi sa buong katapangan, na gaya ng dati, gayundin naman ngayon, ay dadakilain si Cristo sa aking katawan, maging sa pamamagitan ng buhay, o sa pamamagitan ng kamatayan. Sapagkat sa ganang akin ang mabuhay ay si Cristo, at ang mamatay ay pakinabang. Ngunit kung ako ay mabubuhay sa laman, ito'y magiging mabungang pagpapagal para sa akin. Ngunit hindi ko alam kung alin ang aking pipiliin. Sapagkat ako'y naiipit sa pagitan ng dalawa: ang aking nais ay umalis at makasama si Cristo, sapagkat ito'y higit na mabuti. Gayunma'y ang manatili sa laman ay higit na kailangan dahil sa inyo. At sa paniniwalang ito, aking nalalaman na ako'y mananatili at magpapatuloy na kasama ninyong lahat, sa ikasusulong ninyo at ikagagalak sa pananampalataya; upang sumagana ang inyong pagmamapuri kay Cristo Jesus sa akin sa pamamagitan ng aking muling pagharap sa inyo. Ang inyo lamang pamumuhay ay maging karapat-dapat sa ebanghelyo ni Cristo, na kahit ako ay dumating at kayo'y makita, o wala man sa harap ninyo at mabalitaan ko ang mga bagay patungkol sa inyo na kayo'y naninindigan sa isang espiritu, na may isang isipan na magkakasamang nagsisikap para sa pananampalataya ng ebanghelyo, at sa anuman ay huwag kayong matakot sa inyong mga kaaway. Para sa kanila ito ay tanda ng kanilang kapahamakan, ngunit ng inyong kaligtasan, at ito'y mula sa Diyos. Sapagkat sa inyo'y ipinagkaloob alang-alang kay Cristo, hindi lamang ang manampalataya sa kanya, kundi ang magtiis din naman alang-alang sa kanya, yamang taglay ninyo ang gayunding pakikipaglaban na inyong nakita sa akin, at ngayo'y nababalitaan ninyo tungkol sa akin. Kaya nga kung mayroong anumang kasiglahan kay Cristo, kung mayroong anumang kaaliwan ng pag-ibig, kung mayroong anumang pakikisama ng Espiritu, kung mayroong anumang pagkagiliw at habag, ay lubusin ninyo ang aking tuwa sa pagkakaroon ng gayunding pag-iisip, magtaglay ng gayunding pag-ibig, na magkaisa ng diwa, at may isa lamang pag-iisip. Huwag ninyong gawin ang anuman sa pagpapaligsahan o pagmamataas, kundi sa kababaan, ituring na ang iba ay higit na mabuti kaysa inyong sarili. Huwag tingnan ng bawat isa sa inyo ang kanyang sariling kapakanan, kundi ang kapakanan ng iba. Magkaroon kayo sa inyo ng ganitong pag-iisip na kay Cristo Jesus din naman, na siya, bagama't nasa anyo ng Diyos, ay hindi niya itinuring na isang bagay na dapat panghawakan ang pagiging kapantay ng Diyos, kundi hinubaran niya ang kanyang sarili at kinuha ang anyong alipin na naging katulad ng tao. At palibhasa'y natagpuan sa anyo ng tao, siya'y nagpakababa sa kanyang sarili, at naging masunurin hanggang sa kamatayan, maging sa kamatayan man sa krus. Kaya siya naman ay itinaas ng Diyos, at siya'y binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan; upang sa pangalan ni Jesus ay lumuhod ang bawat tuhod, sa langit at sa lupa, at sa ilalim ng lupa, at ipahayag ng bawat dila na si Jesu-Cristo ay Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama. Kaya nga, mga minamahal ko, kung paanong lagi ninyo akong sinusunod, hindi lamang sa harapan ko, kundi higit ngayon na ako'y hindi ninyo kasama, ay isagawa ninyo ang inyong sariling kaligtasan na may takot at panginginig; sapagkat Diyos ang gumagawa sa inyo maging sa pagnanais at sa paggawa, para sa kanyang mabuting kalooban. Gawin ninyo ang lahat ng mga bagay na walang pabulong-bulong at pagtatalo, upang kayo'y maging walang sala at walang malay, mga anak ng Diyos na walang dungis sa gitna ng isang salinlahing liko at masama, na sa gitna nila'y lumiliwanag kayong tulad ng mga ilaw sa sanlibutan, na nanghahawakan sa salita ng buhay upang may ipagkapuri ako sa araw ni Cristo, na hindi ako tumakbo nang walang kabuluhan ni nagpagal man nang walang kabuluhan. Oo, kahit ako'y ibuhos bilang inuming handog sa ibabaw ng alay at paglilingkod ng inyong pananampalataya, ako'y natutuwa at nakikigalak sa inyong lahat. At sa gayunding paraan kayo'y natutuwa at nakikigalak sa akin. Ngunit umaasa ako sa Panginoong Jesus na suguin kaagad sa inyo si Timoteo, upang ako naman ay mapanatag sa pagkaalam ko ng mga bagay tungkol sa inyo. Sapagkat wala akong sinuman na katulad niya na tunay na magmamalasakit sa inyong kapakanan. Sapagkat pinagsisikapan nilang lahat ang para sa kanilang sariling kapakanan, hindi ang mga bagay ni Jesu-Cristo. Ngunit nalalaman ninyong subok na si Timoteo,'' kung paanong naglilingkod ang anak sa ama ay kasama ko siyang naglingkod sa ebanghelyo. Siya nga ang aking inaasahang suguin kaagad, kapag nakita ko kung ano ang mangyayari sa akin. At nagtitiwala ako sa Panginoon na di magtatagal at makakarating din naman ako. Ngunit iniisip kong kailangan pa ring isugo sa inyo si Epafrodito, na aking kapatid, kamanggagawa, at kapwa kawal, ang inyong sugo at lingkod para sa aking pangangailangan. Yamang siya'y nananabik sa inyong lahat at siya'y namanglaw, sapagkat inyong nabalitaan na siya'y nagkasakit. Totoo ngang nagkasakit siya na malapit nang mamatay. Ngunit kinahabagan siya ng Diyos; at hindi lamang siya kundi pati ako, upang ako'y huwag magkaroon ng patong-patong na kalungkutan. Kaya't higit akong masigasig na suguin siya, upang, pagkakitang muli ninyo sa kanya, kayo'y magalak at mabawasan ang aking kalungkutan. Kaya tanggapin ninyo siya sa Panginoon nang buong galak; at ang gayong mga tao ay parangalan ninyo, sapagkat dahil sa pagpapagal kay Cristo ay nabingit siya sa kamatayan, na isinusuong sa panganib ang kanyang buhay upang punan ang kakulangan sa inyong paglilingkod sa akin. Kahuli-hulihan, mga kapatid ko, magalak kayo sa Panginoon. Ang sumulat sa inyo ng gayunding mga bagay ay hindi kalabisan sa akin kundi para sa inyong ikaliligtas. Mag-ingat kayo sa mga aso, mag-ingat kayo sa masasamang manggagawa, mag-ingat kayo sa mga hindi totoong pagtutuli. Sapagkat tayo ang pagtutuli, na sumasamba sa Diyos sa espiritu at nagmamapuri kay Cristo Jesus, at walang anumang pagtitiwala sa laman— bagama't ako'y may dahilang magtiwala rin sa laman. Kung ang iba ay may dahilang magtiwala sa laman, ay lalo na ako: tinuli nang ikawalong araw, mula sa lahi ng Israel, mula sa lipi ni Benjamin, isang Hebreo na isinilang ng Hebreo; tungkol sa kautusan, ay Fariseo, tungkol sa sigasig, ay taga-usig ng iglesya; ayon sa katuwirang nasa kautusan ay walang kapintasan. Gayunman ang mga bagay na sa akin ay naging pakinabang, ay inari kong kalugihan, alang-alang kay Cristo. Higit pa roon, ang lahat ng mga bagay ay inaari kong kalugihan dahil sa higit na kahalagahan na makilala si Cristo Jesus na Panginoon ko. Alang-alang sa kanya'y tiniis ko ang kalugihan ng lahat ng mga bagay, at inari kong basura lamang, upang makamit ko si Cristo, at ako'y matagpuan sa kanya, na walang sarili kong katuwiran na mula sa kautusan, kundi ang katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ang katuwirang buhat sa Diyos na batay sa pananampalataya; upang makilala ko siya, at ang kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay at ang pakikisama sa kanyang mga kahirapan, na ako'y matulad sa kanya sa kanyang kamatayan, upang aking makamit sa anumang paraan ang muling pagkabuhay mula sa mga patay. Hindi sa ito'y aking nakamit na, o ako'y sakdal na; kundi nagpapatuloy ako upang iyon ay aking maabot, kung paanong ako ay inabot din ni Cristo Jesus. Mga kapatid, hindi ko pa inaaring naabot ko na, ngunit isang bagay ang ginagawa ko, nililimot ko ang mga bagay na nasa likuran, at tinutungo ang mga bagay na hinaharap, nagpapatuloy ako tungo sa mithiin para sa gantimpala ng dakilang pagtawag ng Diyos kay Cristo Jesus. Kaya nga, tayong nasa hustong gulang ay magkaroon ng parehong kaisipan; at kung iba ang inyong iniisip tungkol sa anumang bagay, ito rin ay ipahahayag sa inyo ng Diyos. Lamang, panghawakan natin ang ating naabot na. Mga kapatid, kayo'y magkaisang tumulad sa akin, at tandaan ninyo ang mga lumalakad ng gayon, ayon sa halimbawang nakikita ninyo sa amin. Sapagkat marami ang mga lumalakad na siyang madalas kong sabihin sa inyo, at ngayo'y sinasabi ko sa inyo na may pagluha, na sila ang mga kaaway ng krus ni Cristo. Ang kanilang kahihinatnan ay kapahamakan, ang kanilang tiyan ang kanilang diyos, at ang kanilang kahihiyan ang kanilang kapurihan, na nakatuon ang isip sa mga bagay na makalupa. Sapagkat ang ating pagkamamamayan ay nasa langit; mula roon ay hinihintay naman natin ang Tagapagligtas, ang Panginoong Jesu-Cristo, na siyang magbabago ng ating hamak na katawan upang maging katulad ng katawan ng kanyang kaluwalhatian, ayon sa kapangyarihan na kumikilos sa kanya upang maipailalim sa kanyang sarili ang lahat ng mga bagay. Kaya nga, mga kapatid kong minamahal at pinananabikan, aking katuwaan at putong, magpakatibay kayo sa Panginoon, mga minamahal ko. Nakikiusap ako kina Euodias at Sintique, na magkaisa sila ng pag-iisip sa Panginoon. Oo, nakikiusap din naman ako sa iyo, tapat na katuwang sa pasanin na iyong tulungan ang mga babaing ito, sapagkat sila'y nagpagal na kasama ko sa ebanghelyo, at kasama rin naman ni Clemente, at ng ibang aking mga kamanggagawa, na ang kanilang pangalan ay nasa aklat ng buhay. Magalak kayong lagi sa Panginoon; muli kong sasabihin, Magalak kayo. Malaman nawa ng lahat ng mga tao ang inyong kahinahunan. Ang Panginoon ay malapit na. Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay; kundi sa lahat ng mga bagay, sa pamamagitan ng panalangin at pagsamo na may pagpapasalamat ay ipaalam ninyo ang inyong mga kahilingan sa Diyos. At ang kapayapaan ng Diyos, na hindi maabot ng pag-iisip,ang mag-iingat ng inyong mga puso at mga pag-iisip kay Cristo Jesus. Kahuli-hulihan, mga kapatid, anumang bagay na totoo, anumang bagay na kagalang-galang, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kaibig-ibig, anumang bagay na kapuri-puri, kung mayroong anumang kagalingan, at kung may anumang nararapat papurihan, ay isipin ninyo ang mga bagay na ito. Ang mga bagay na inyong natutuhan, tinanggap, narinig at nakita sa akin, ang mga bagay na ito ang gawin ninyo; at ang Diyos ng kapayapaan ay sasainyo. Ako'y totoong nagagalak sa Panginoon, na ngayon sa wakas ay inyong muling binuhay ang inyong pagmamalasakit sa akin; na dito'y katotohanang nagkaroon kayo ng malasakit, ngunit wala kayong pagkakataon. Hindi sa nagsasalita ako dala ng pangangailangan, sapagkat aking natutuhan ang masiyahan sa anumang kalagayang aking kinaroroonan. Marunong akong magpakababa, at marunong din akong magpakasagana; sa bawat bagay at sa lahat ng bagay ay natutuhan ko ang lihim sa kabusugan, at maging sa kagutuman, at maging sa kasaganaan at maging sa kasalatan. Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan niyang nagpapalakas sa akin. Gayunman ay mabuti ang inyong ginawa na kayo'y nakiramay sa aking kapighatian. At kayong mga taga-Filipos, nalalaman naman ninyo, na nang pasimula ng ebanghelyo, nang ako'y umalis sa Macedonia, wala ni isang iglesya na nakipagkaisa sa akin sa pagbibigay at pagtanggap kundi kayo lamang; sapagkat kahit ako'y nasa Tesalonica ay nagpapadala kayong minsan at muli para sa aking kailangan. Hindi sa ako'y naghahanap ng kaloob; kundi hinahanap ko ang bunga na dumarami para sa inyo. Ngunit mayroon ako ng lahat ng bagay at sumasagana; ako'y busog, palibhasa'y tumanggap kay Epafrodito ng mga bagay na galing sa inyo na mabangong samyo, isang handog na kaaya-aya at kalugud-lugod sa Diyos. At pupunuan ng aking Diyos ang bawat kailangan ninyo ayon sa kanyang mga kayamanan sa kaluwalhatian kay Cristo Jesus. Ngayon, nawa'y sumaating Diyos at Ama ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen. Batiin ninyo ang bawat banal kay Cristo Jesus. Binabati kayo ng mga kapatid na kasama ko. Binabati kayo ng lahat ng mga banal, lalung-lalo na ng mga kasambahay ni Cesar. Sumainyo nawang espiritu ang biyaya ng Panginoong Jesu-Cristo. Si Pablo, na apostol ni Cristo-Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at si Timoteo na ating kapatid, Sa mga banal at tapat na mga kapatid kay Cristo na nasa Colosas: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama. Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos na Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sa aming pananalangin para sa inyo, sapagkat nabalitaan namin ang inyong pananampalataya kay Cristo Jesus, at ang pag-ibig ninyo sa lahat ng mga banal, dahil sa pag-asa na nakalaan para sa inyo sa langit, na inyong narinig noong una sa salita ng katotohanan, ang ebanghelyo, na dumating sa inyo. Gayundin naman kung paanong ito ay namumunga at lumalago sa buong sanlibutan, ay gayundin naman sa inyo, mula nang araw na inyong marinig at maunawaan ang biyaya ng Diyos sa katotohanan. Ito ay inyong natutuhan kay Epafras na aming minamahal na kapwa alipin. Siya ay isang tapat na lingkod ni Cristo alang-alang sa inyo, at siya rin namang sa amin ay nagpahayag ng inyong pag-ibig sa Espiritu. Kaya't mula nang araw na aming marinig ito, hindi kami tumigil ng pananalangin para sa inyo at sa paghiling na kayo'y punuin ng kaalaman ng kanyang kalooban sa buong karunungan at pagkaunawang espirituwal, upang kayo'y lumakad nang nararapat sa Panginoon, na lubos na nakakalugod sa kanya, namumunga sa bawat gawang mabuti, at lumalago sa pagkakilala sa Diyos. Nawa'y palakasin kayo sa buong kapangyarihan, ayon sa kalakasan ng kanyang kaluwalhatian, para sa lahat ng katatagan at pagtitiyaga na may galak; na nagpapasalamat sa Ama, na ginawa niya tayong karapat-dapat na makabahagi sa mana ng mga banal sa kaliwanagan. Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat tayo sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak, na sa kanya ay mayroon tayong katubusan, na siyang kapatawaran ng mga kasalanan. Siya ang larawan ng Diyos na hindi nakikita, ang panganay sa lahat ng mga nilalang; sapagkat sa pamamagitan niya nilalang ang lahat ng mga bagay sa langit at sa lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga bagay na hindi nakikita, maging mga trono o mga pagkapanginoon, maging mga pinuno o mga may kapangyarihan — lahat ng mga bagay ay nilalang sa pamamagitan niya at para sa kanya. Siya mismo ay una sa lahat ng mga bagay, at ang lahat ng mga bagay ay nahahawakang sama-sama sa kanya. Siya ang ulo ng katawan, ang iglesya; siya ang pasimula, ang panganay mula sa mga patay, upang siya ay maging pangunahin sa lahat ng mga bagay. Sapagkat minagaling na ang buong kapuspusan ay manirahan sa kanya, at sa pamamagitan niya ay pagkasunduin ng Diyos sa kanyang sarili ang lahat ng mga bagay, sa lupa man o sa langit, na ginagawa ang kapayapaan sa pamamagitan ng dugo ng kanyang krus. At kayo, na nang dati ay hiwalay at mga kaaway sa pag-iisip, sa pamamagitan ng masasamang gawa, ay pinakipagkasundo niya ngayon sa kanyang katawang laman, sa pamamagitan ng kamatayan, upang kayo'y iharap na mga banal at walang dungis at walang kapintasan sa harapan niya, kung kayo'y nagpapatuloy na matatag at matibay sa pananampalataya, at hindi nakikilos sa pag-asa sa ebanghelyo na inyong narinig, na ipinangaral sa lahat ng mga nilalang sa silong ng langit. Akong si Pablo ay naging ministro ng ebanghelyong ito. Ngayo'y nagagalak ako sa aking mga pagtitiis alang-alang sa inyo, at sa aking laman ay pinupunan ko ang kakulangan sa mga paghihirap ni Cristo alang-alang sa kanyang katawan, na siyang iglesya. Ako'y naging ministro nito, ayon sa katungkulang ipinagkatiwala ng Diyos sa akin para sa inyo, upang lubos na maipahayag ang salita ng Diyos, ang hiwaga na nakatago sa lahat ng mga panahon at mga salinlahi, ngunit ngayo'y ipinahayag sa kanyang mga banal. Sa kanila'y ninais ng Diyos na ipaalam kung gaano kalaki ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng hiwagang ito sa gitna ng mga Hentil, na ito'y si Cristo na nasa inyo, na siyang pag-asa sa kaluwalhatian. Siya ang aming ipinahahayag, na binabalaan ang bawat tao at tinuturuan ang bawat tao, sa buong karunungan, upang ang lahat ay maiharap naming sakdal kay Cristo. Dahil dito'y nagpapagal din naman ako at nagsisikap ayon sa kanyang paggawa na gumagawa sa akin na may kapangyarihan. Sapagkat ibig kong malaman ninyo kung gaano kalaki ang aking pagsisikap alang-alang sa inyo, at sa mga nasa Laodicea, at sa lahat na hindi pa nakakita sa akin nang mukhaan. Upang maaliw sana ang kanilang mga puso, sa kanilang pagkakaisa sa pag-ibig, at magkaroon ang lahat ng mga kayamanan ng buong katiyakan ng pagkaunawa, at magkaroon ng kaalaman ng hiwaga ng Diyos, na si Cristo, na sa kanya nakatago ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at kaalaman. Ito'y sinasabi ko upang huwag kayong madaya ng sinuman sa mga pananalitang kaakit-akit. Sapagkat bagaman ako'y wala sa katawan, gayunma'y nasa inyo ako sa espiritu, at nagagalak na makita ko ang inyong kaayusan, at ang katatagan ng inyong pananampalataya kay Cristo. Kaya't kung paanong tinanggap ninyo si Cristo Jesus na Panginoon, ay lumakad kayong gayon sa kanya, na nakaugat at nakatayo sa kanya, at matibay sa pananampalataya, gaya ng itinuro sa inyo, na sumasagana sa pasasalamat. Kayo'y mag-ingat, baka sa inyo'y may bumihag sa pamamagitan ng pilosopiya at walang kabuluhang pandaraya, ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa mga simulain ng sanlibutan, at hindi ayon kay Cristo. Sapagkat sa kanya'y naninirahan ang buong kapuspusan ng pagka-Diyos sa katawan, at kayo'y napuspos sa kanya, na siyang ulo ng lahat ng pamunuan at kapangyarihan. Sa kanya ay tinuli rin kayo ng pagtutuling hindi gawa ng mga kamay, sa pamamagitan ng paghuhubad ng katawang laman sa pagtutuli ni Cristo; nang ilibing kayong kasama niya sa bautismo, kayo rin ay muling binuhay na kasama niya sa pamamagitan ng pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos, na muling bumuhay sa kanya mula sa mga patay. At kayo'y mga patay dahil sa inyong mga kasalanan at sa di pagtutuli ng inyong laman ay kanyang binuhay kayong kasama niya, nang ipinatawad niya sa inyo ang lahat ng mga kasalanan, na pinawi ang sulat kamay na laban sa atin na nasa mga tuntuning salungat sa atin, at ito'y kanyang inalis at ipinako sa krus. Inalisan niya ng sandata ang mga pinuno at ang mga may kapangyarihan at sila'y ginawa niyang hayag sa madla, na nagtatagumpay sa kanila sa pamamagitan nito. Kaya't ang sinuman ay huwag humatol sa inyo tungkol sa pagkain at inumin, o tungkol sa kapistahan, o bagong buwan o mga araw ng Sabbath, na ang mga ito ay isang anino ng mga bagay na darating, ngunit ang katawan ay kay Cristo. Huwag ninyong hayaan na agawan kayo ng gantimpala sa pamamagitan ng kusang pagpapakababa at pagsamba sa mga anghel, na pinanghahawakan ang mga bagay na kanyang nakita, na nagyayabang nang walang dahilan sa pamamagitan ng kanyang makalamang pag-iisip, at hindi kumakapit sa Ulo, na sa kanya'y ang buong katawan, na tinutustusan at pinagsasanib sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid ay lumalago ng paglagong mula sa Diyos. Kung kayo'y namatay na kasama ni Cristo mula sa mga simulain ng sanlibutan, bakit kayo'y nabubuhay na parang nasa sanlibutan pa rin? Bakit kayo'y nagpapasakop sa mga alituntuning, "Huwag humipo, huwag tumikim, huwag humawak"? Ang lahat ng mga alituntuning ito ay masisira sa paggamit, palibhasa'y mga utos at mga aral lamang ng mga tao. Ang mga bagay na ito'y mayroong anyo ng karunungan sa pagsambang ayon sa sariling kagustuhan, sa pagpapakababa, at sa pagpapahirap sa katawan, ngunit wala silang kabuluhan laban sa kalayawan ng laman. Kung kayo nga'y muling binuhay na kasama ni Cristo, ay hanapin ninyo ang mga bagay na nasa itaas, na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Diyos. Ituon ninyo ang inyong pag-iisip sa mga bagay na nasa itaas, hindi sa mga bagay na nasa ibabaw ng lupa, sapagkat kayo'y namatay na, at ang inyong buhay ay natatagong kasama ni Cristo sa Diyos. Kapag si Cristo na inyong buhay ay nahayag, ay mahahayag nga rin kayo na kasama niya sa kaluwalhatian. Patayin ninyo ang anumang makalupa na nasa inyo: pakikiapid, karumihan, masamang pita, masasamang pagnanasa, at kasakiman na ito'y pagsamba sa mga diyus-diyosan. Dahil sa mga bagay na ito ay dumarating ang poot ng Diyos sa mga anak ng pagsuway. Ang mga ito rin ang nilakaran ninyo noong una, nang kayo'y nabubuhay pa sa mga bagay na ito. Ngunit ngayon ay itakuwil ninyo ang lahat ng mga ito: galit, poot, masamang pag-iisip, panlalait, at maruming pananalita mula sa inyong bibig. Huwag kayong magsinungaling sa isa't isa, yamang hinubad na ninyo ang dating pagkatao pati ang mga gawa nito, at kayo'y nagbihis na ng bagong pagkatao, na binabago sa kaalaman ayon sa larawan ng lumalang sa kanya. Dito'y wala ng Griyego at Judio, tuli at di tuli, ng barbaro, ng Scita, ng alipin, ng malaya; kundi si Cristo ang lahat at nasa lahat! Bilang mga hinirang ng Diyos, mga banal at minamahal, magbihis kayo ng kahabagan, ng kabaitan, ng kababaang loob, ng kaamuan, at ng katiyagaan. Pagtiisan ninyo ang isa't isa, at kung ang sinuman ay may reklamo laban sa kanino man, magpatawaran kayo sa isa't isa, kung paanong pinatawad kayo ng Panginoon, ay gayundin naman ang inyong gawin. At higit sa lahat ng mga bagay na ito ay magbihis kayo ng pag-ibig na siyang tali ng kasakdalan. At maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na doon ay tinawag din naman kayo sa isang katawan. At kayo'y maging mapagpasalamat. Manirahan nawang sagana sa inyo ang salita ni Cristo ayon sa lahat ng karunungan; magturo at magpaalalahanan kayo sa isa't isa sa pamamagitan ng mga salmo at ng mga himno at mga awiting espirituwal, na umaawit na may pasasalamat sa Diyos sa inyong mga puso. At anumang inyong ginagawa, sa salita, o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, na nagpapasalamat kayo sa Diyos Ama sa pamamagitan niya. Mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyung asawa, gaya ng nararapat sa Panginoon. Mga lalaki, ibigin ninyo ang inyu-inyung asawa at huwag kayong maging malupit sa kanila. Mga anak, sumunod kayo sa inyong mga magulang sa lahat ng mga bagay, sapagkat ito'y nakakalugod sa Panginoon. Mga ama, huwag ninyong ibunsod sa galit ang inyong mga anak, baka manghina ang loob nila. Mga alipin, sumunod kayo sa lahat ng mga bagay sa mga panginoon ninyo sa lupa, hindi naglilingkod kung may tumitingin, na gaya ng pagbibigay lugod sa mga tao, kundi sa katapatan ng puso, na may takot sa Panginoon. Anuman ang inyong ginagawa, ay inyong gawin ng buong puso, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao; yamang inyong nalalaman na sa Panginoon ay tatanggapin ninyo ang gantimpalang mana. Paglingkuran ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo. Sapagkat ang gumagawa ng masama ay pagbabayarin sa kasamaang kanyang ginawa; at walang itinatanging tao. Mga panginoon, pakitunguhan ninyo ang inyong mga alipin nang matuwid at makatarungan, yamang nalalaman ninyo na kayo man ay mayroon ding Panginoon sa langit. Magpatuloy kayo sa pananalangin, at kayo'y magbantay na may pagpapasalamat. At idalangin din ninyo kami, na buksan ng Diyos para sa amin ang pinto para sa salita, upang aming maipahayag ang hiwaga ni Cristo, na dahil din dito ako'y nakagapos, upang ito'y aking maipahayag, gaya ng aking nararapat na sabihin. Lumakad kayo na may karunungan sa harap ng mga nasa labas, na inyong samantalahin ang pagkakataon. Ang inyong pananalita nawa'y laging may biyaya, na may timplang asin, upang inyong malaman kung paano ninyo dapat sagutin ang bawat isa. Ang lahat na mga bagay tungkol sa akin ay ipababatid sa inyo ni Tiquico, na minamahal na kapatid at tapat na ministro, at kapwa alipin sa Panginoon. Siya ang aking sinugo sa inyo ukol sa bagay na ito, upang malaman ninyo ang aming kalagayan, at upang kanyang pasiglahin ang inyong mga puso; kasama niya si Onesimo, tapat at minamahal na kapatid, na siya'y isa sa inyo. Sila ang magbabalita sa inyo tungkol sa lahat ng mga bagay na nangyayari dito. Binabati kayo ni Aristarco na kasama kong bilanggo, at ni Marcos na pinsan ni Bernabe — tungkol sa kanya'y tumanggap kayo ng mga utos — kung magpupunta siya sa inyo, siya ay inyong tanggapin, at si Jesus na tinatawag na Justo. Ang mga ito lamang sa aking mga kamanggagawa sa kaharian ng Diyos ang kabilang sa pagtutuli at sila'y naging kaaliwan ko. Binabati kayo ni Epafras, na isa sa inyo, na alipin ni Cristo Jesus, na siyang laging nagsisikap para sa inyo sa kanyang pananalangin, upang kayo'y tumayong sakdal at lubos na nakakatiyak sa lahat ng kalooban ng Diyos. Sapagkat nagpapatotoo ako para sa kanya na siya'y labis na nagpagal para sa inyo, at sa mga nasa Laodicea, at sa mga nasa Hierapolis. Binabati kayo ni Lucas, ang minamahal na manggagamot, at ni Demas. Batiin ninyo ang mga kapatid na nasa Laodicea, at si Nimfa, at ang iglesyang nasa kanyang bahay. At kapag nabasa na ang sulat na ito sa inyo, ay ipabasa rin ninyo sa iglesya ng mga taga-Laodicea; at basahin naman ninyo ang sulat na mula sa Laodicea. At sabihin ninyo kay Arquipo, "Sikapin mong gampanan ang ministeryo na tinanggap mo sa Panginoon." Akong si Pablo ay sumusulat ng pagbating ito ng sarili kong kamay. Alalahanin ninyo ang aking mga tanikala. Sumainyo nawa ang biyaya. Si Pablo, at sina Silvano at Timoteo, sa iglesya ng mga taga-Tesalonica na sa Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan. Nagpapasalamat kaming lagi sa Diyos dahil sa inyong lahat na tuwina'y binabanggit namin kayo sa aming mga panalangin. Aming inaalala sa harapan ng ating Diyos at Ama ang inyong gawang mula sa pananampalataya, pagpapagal sa pag-ibig at katatagan ng pag-asa sa ating Panginoong Jesu-Cristo; yamang aming nalalaman, mga kapatid na minamahal ng Diyos, ang pagkahirang sa inyo. Sapagkat ang aming ebanghelyo ay hindi dumating sa inyo sa salita lamang, kundi sa kapangyarihan din at sa Espiritu Santo at sa lubos na pagtitiwala, kung paanong nalalaman ninyo kung anong pagkatao ang aming pinatunayan sa inyo alang-alang sa inyo. At kayo'y naging taga-tulad sa amin at sa Panginoon, na inyong tinanggap ang salita sa matinding kapighatian, na may kagalakan ng Espiritu Santo, anupa't kayo'y naging halimbawa sa lahat ng mananampalatayang nasa Macedonia at nasa Acaia. Sapagkat mula sa inyo'y umalingawngaw ang salita ng Panginoon, hindi lamang sa Macedonia at Acaia, kundi sa lahat ng dako ay napabalita ang inyong pananampalataya sa Diyos; kaya't kami ay hindi na kailangang magsalita pa ng anuman. Sapagkat sila ang nagbalita tungkol sa amin, kung paano ninyo kami tinanggap at kung paanong bumaling kayo sa Diyos mula sa mga diyus-diyosan, upang maglingkod sa buhay at tunay na Diyos, at upang hintayin ang kanyang Anak mula sa langit, na kanyang binuhay mula sa mga patay, si Jesus na nagliligtas sa atin mula sa poot na darating. Kayo mismo ang nakakaalam, mga kapatid, na ang aming pagdating sa inyo ay hindi nawalan ng kabuluhan. Bagaman nagdusa na kami at inalipusta sa Filipos, tulad ng inyong nalalaman, ay naglakas loob kami sa ating Diyos upang ipahayag sa inyo ang ebanghelyo ng Diyos sa gitna ng napakalaking pagsalungat. Sapagkat ang aming pangaral ay hindi mula sa pandaraya, ni sa karumihan, ni sa panlilinlang, kundi kung paanong kami'y minarapat ng Diyos na pagkatiwalaan ng ebanghelyo ay gayon kami nagsasalita, hindi upang bigyan lugod ang mga tao, kundi ang Diyos na sumusuri sa aming mga puso. Sapagkat hindi kami natagpuang gumamit kailanman ng mga salitang paimbabaw, gaya ng nalalaman ninyo, ni ng balabal ng kasakiman, saksi namin ang Diyos; ni nagsihanap man sa mga tao ng kapurihan, ni sa inyo o sa iba man, bagaman may karapatan kaming humingi bilang mga apostol ni Cristo. Kundi kami ay naging malumanay sa gitna ninyo, gaya ng isang ina na nag-aaruga sa kanyang mga anak. Palibhasa'y nagmamalasakit kami sa inyo, ipinasiya naming kayo'y bahaginan, hindi lamang ng ebanghelyo ng Diyos, kundi pati ng aming mga sariling kaluluwa, sapagkat kayo'y napamahal na sa amin. Natatandaan ninyo, mga kapatid, ang aming pagpapagal at paghihirap. Gumagawa kami araw at gabi upang huwag kaming maging pasanin sa kaninuman sa inyo. Ipinahayag namin sa inyo ang ebanghelyo ng Diyos. Kayo'y mga saksi, at pati ang Diyos, kung gaano kadalisay, matuwid at walang kapintasan ang inasal namin sa inyo na mga mananampalataya. Gaya ng inyong nalalaman, pinakitunguhan namin kayong tulad ng isang ama sa kanyang mga anak, na kayo'y pinangaralan at pinalakas ang loob ninyo, at nagpatotoo, upang kayo'y lumakad nang nararapat sa Diyos, na siyang tumawag sa inyo sa kanyang sariling kaharian at kaluwalhatian. At kami ay patuloy na nagpapasalamat sa Diyos, na nang inyong tanggapin ang salita ng Diyos na inyong narinig sa amin ay inyong tinanggap iyon hindi bilang salita ng mga tao, kundi, ayon sa katotohanan, ay bilang salita ng Diyos, na gumagawa naman sa inyo na sumasampalataya. Sapagkat kayo, mga kapatid, ay naging taga-tulad sa mga iglesya ng Diyos kay Cristo Jesus na nasa Judea, sapagkat nagdusa din naman kayo ng mga gayong bagay mula sa inyong sariling mga kababayan, gaya naman nila sa mga Judio. Sila ang pumatay sa Panginoong Jesus at sa mga propeta, at kami ay kanilang pinalayas. Sila'y hindi nagbigay lugod sa Diyos at sinalungat ang lahat ng mga tao, at pinagbawalan kaming magsalita sa mga Hentil upang maligtas ang mga ito. Kaya't kanilang pinupunong lagi ang kanilang mga kasalanan; ngunit dumating sa kanila ang poot ng Diyos hanggang sa katapusan. Ngunit kami, mga kapatid, na nahiwalay sa inyo ng maikling panahon, sa katawan hindi sa puso, ay lalong higit na nananabik na makita kayo nang mukhaan. Sapagkat nais naming pumunta sa inyo — lalo na akong si Pablo na paulit-ulit na nais makabalik — ngunit hinadlangan kami ni Satanas. Sapagkat ano ang aming pag-asa, o kagalakan, o putong ng kapurihan sa harapan ng ating Panginoong Jesus sa kanyang pagdating? Hindi ba kayo? Sapagkat kayo ang aming kaluwalhatian at kagalakan. Kaya't nang hindi na kami makatiis ay minabuti naming maiwang walang kasama sa Atenas; at aming isinugo si Timoteo, na aming kapatid at kamanggagawa ng Diyos sa ebanghelyo ni Cristo, upang kayo'y kanyang patibayin at pasiglahin tungkol sa inyong pananampalataya; upang ang sinuma'y huwag mabagabag ng mga kapighatiang ito. Sa katunayan kayo rin ang nakakaalam na itinalaga kami sa bagay na ito. Sapagkat sa katotohanan, nang kami ay kasama ninyo ay aming sinabi noon pa mang una na kami ay makakaranas ng kapighatian; gaya nga ng nangyari, at nalalaman ninyo. Dahil dito, nang hindi ko na matiis pa, ako'y nagsugo upang mabatid ko ang inyong pananampalataya, sa takot na baka sa anumang paraan kayo'y natukso na ng manunukso, at ang aming pagpapagal ay mawalan ng kabuluhan. Ngunit si Timoteo ay dumating na sa amin mula sa inyo, at nagdala sa amin ng magandang balita tungkol sa inyong pananampalataya at pag-ibig. Sinabi rin niya sa amin na lagi ninyo kaming naaalala at nananabik na makita kami na gaya naman namin na nananabik na makita kayo. Dahil dito'y naaliw kami, mga kapatid, sa lahat ng aming kalungkutan at paghihirap sa pamamagitan ng inyong pananampalataya. Sapagkat ngayon ay nabubuhay kami, kung kayo'y maninindigang matibay sa Panginoon. Sapagkat ano ngang pasasalamat ang aming maisasauli sa Diyos dahil sa inyo, dahil sa lahat ng kagalakan na aming nadarama dahil sa inyo sa harapan ng aming Diyos? Gabi't araw ay masikap naming idinadalangin na makita namin kayo nang mukhaan at aming maibalik ang anumang kulang sa inyong pananampalataya. Ngayo'y patnubayan nawa ng ating Diyos at Ama at ng ating Panginoong Jesus ang aming paglalakbay patungo sa inyo. At nawa'y palaguin at pasaganain kayo ng Panginoon sa pag-ibig sa isa't isa at sa lahat ng tao, gaya naman namin sa inyo. Patibayin nawa niya ang inyong mga puso sa kabanalan upang maging walang kapintasan sa harapan ng ating Diyos at Ama, sa pagdating ng ating Panginoong Jesus na kasama ang lahat ng kanyang mga banal. Katapus-tapusan, mga kapatid, hinihiling namin sa inyo at nakikiusap kami sa Panginoong Jesus, yamang natutunan ninyo sa amin kung paano kayo dapat lumakad at magbigay lugod sa Diyos, na tulad ng inyong ginagawa, ay gayon ang dapat ninyong gawin at higit pa. Sapagkat batid ninyo kung anong mga tagubilin ang ibinigay namin sa inyo sa pamamagitan ng Panginoong Jesus. Sapagkat ito ang kalooban ng Diyos, ang inyong pagpapakabanal: na kayo'y umiiwas sa pakikiapid; na ang bawat isa sa inyo'y matutong maging mapagpigil sa kanyang sariling katawan sa pagpapakabanal at karangalan, hindi sa pita ng kahalayan, na gaya ng mga Hentil na hindi nakakakilala sa Diyos; na sinuma'y huwag magkasala o manlamang sa kanyang kapatid sa bagay na ito, sapagkat ang Panginoon ay tagapaghiganti sa lahat ng mga bagay na ito, gaya ng aming sinabi noong una at ibinabala sa inyo. Sapagkat hindi tayo tinawag ng Diyos para sa karumihan kundi sa kabanalan. Kaya't ang tumanggi dito ay hindi tao ang tinatanggihan, kundi ang Diyos na nagbibigay sa amin ng kanyang Espiritu Santo. Ngunit tungkol sa pag-iibigan ng magkakapatid ay hindi ninyo kailangan na kayo'y sulatan ng sinuman, sapagkat kayo man ay tinuraan ng Diyos na mag-ibigan sa isa't isa. At katotohanang ginagawa ninyo ang gayon sa lahat ng kapatid na nasa buong Macedonia. Ngunit aming hinihiling sa inyo, mga kapatid, na higit pa sa rito ang inyong gawin. Nasain ninyong mamuhay nang tahimik, gawin ang inyong sariling gawain, at kayo'y magpagal ng inyong sariling mga kamay, gaya ng aming ipinagbilin sa inyo; upang kayo'y igalang ng mga nasa labas, at huwag maging palaasa sa sinuman. Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang tungkol sa mga natutulog upang kayo'y huwag malungkot, na gaya ng iba na walang pag-asa. Sapagkat kung tayo'y sumasampalatayang si Jesus ay namatay at muling binuhay ay gayundin naman, sa pamamagitan ni Jesus, ang mga natutulog ay dadalhin ng Diyos na kasama niya. Sapagkat ito'y sinasabi namin sa inyo sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, na tayong nabubuhay, na natitira hanggang sa pagdating ng Panginoon, ay hindi mauuna sa anumang paraan sa mga natutulog. Sapagkat ang Panginoon mismo ang bababa mula sa langit na may sigaw, may tinig ng arkanghel, at may trumpeta ng Diyos, at ang mga namatay kay Cristo ay babangon muna. Pagkatapos, tayong nabubuhay na natitira ay aagawing kasama nila sa mga ulap, upang salubungin ang Panginoon sa papawirin; at sa gayon ay makakapiling natin ang Panginoon magpakailanman. Kaya't mag-aliwan kayo sa isa't isa ng mga salitang ito. Mga kapatid, tungkol sa oras at mga panahon, hindi na kailangang mayroong isulat pa sa inyo. Sapagkat kayo rin ang lubos na nakakaalam na ang araw ng Panginoon ay darating na gaya ng magnanakaw sa gabi. Kapag sinasabi nila, "Kapayapaan at katiwasayan," kaagad darating sa kanila ang biglang pagkawasak, na gaya ng pagdaramdam sa panganganak ng babaing nagdadalang-tao, at walang makakatakas! Ngunit kayo, mga kapatid, ay wala sa kadiliman, upang sa araw na iyon ay mabigla kayong gaya sa magnanakaw. Sapagkat kayong lahat ay pawang mga anak ng liwanag at mga anak ng araw; tayo'y hindi ng gabi ni ng kadiliman man. Kaya nga, huwag tayong matulog gaya ng mga iba, kundi tayo'y manatiling handa at magpakatino. Sapagkat ang mga natutulog ay natutulog sa gabi; at ang naglalasing ay naglalasing sa gabi. Ngunit palibhasa'y mga anak tayo ng araw, magpakatino tayo, at isuot natin ang baluti ng pananampalataya at ng pag-ibig; at ang maging helmet ay ang pag-asa ng kaligtasan. Sapagkat tayo'y hindi itinalaga ng Diyos sa galit, kundi sa pagtatamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na namatay dahil sa atin, upang tayo, maging gising o tulog man, ay mabuhay tayong kasama niya. Dahil dito, pasiglahin ninyo ang isa't isa at patibayin ang isa't isa, gaya ng inyong ginagawa. Subalit hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, na inyong igalang ang mga nagpapagal sa inyo, at namumuno sa inyo sa Panginoon at nagtuturo sa inyo; at lubos ninyo silang igalang na may pag-ibig dahil sa kanilang gawain. Magkaroon kayo ng kapayapaan sa isa't isa. Mga kapatid, aming isinasamo sa inyo, na inyong pangaralan ang mga tamad, palakasin ang mahihinang loob, alalayan ang mga mahihina, at maging matiisin kayo sa lahat. Tiyakin ninyo na ang sinuman ay huwag gumanti ng masama sa masama, kundi lagi ninyong naisin ang mabuti para sa isa't isa at sa lahat. Magalak kayong lagi. Manalangin kayong walang patid. Sa lahat ng bagay ay magpasalamat kayo, sapagkat ito ang kalooban ng Diyos kay Cristo Jesus para sa inyo. Huwag ninyong patayin ang ningas ng Espiritu. Huwag ninyong hamakin ang mga pagpapahayag ng propesiya, kundi subukin ninyo ang lahat ng mga bagay; panghawakan ninyo ang mabuti. Layuan ninyo ang bawat anyo ng kasamaan. Pakabanalin nawa kayong lubos mismo ng Diyos ng kapayapaan; at ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay ingatang buo, na walang kapintasan sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Tapat ang sa inyo'y tumatawag, na gagawa rin naman nito. Mga kapatid, idalangin ninyo kami. Batiin ninyo ang lahat ng mga kapatid ng banal na halik. Ipinag-uutos ko sa inyo alang-alang sa Panginoon, na basahin sa lahat ng mga kapatid ang sulat na ito. Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo. Si Pablo, si Silvano, at si Timoteo, sa iglesya ng mga taga-Tesalonica na nasa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Dapat kaming laging magpasalamat sa Diyos, mga kapatid, dahil sa inyo, gaya ng nararapat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay lumalagong lubha, at ang pag-ibig ng bawat isa sa inyo para sa isa't isa ay nadaragdagan. Anupa't ipinagmamalaki namin kayo sa mga iglesya ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya sa lahat ng mga pag-uusig sa inyo at sa mga kapighatiang inyong tinitiis. Ito ay malinaw na katibayan ng matuwid na paghatol ng Diyos, upang kayo'y ariing karapat-dapat sa kaharian ng Diyos, na dahil dito'y nagdurusa kayo. Sapagkat tunay na matuwid sa Diyos na gantihan ng kapighatian ang mga nagpapahirap sa inyo, at kayong mga pinahihirapan ay bigyan ng kapahingahang kasama namin, sa pagkapahayag ng Panginoong Jesus mula sa langit na kasama ang kanyang mga makapangyarihang anghel, na nasa nagliliyab na apoy, na magbibigay ng parusa sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga hindi sumusunod sa ebanghelyo ng ating Panginoong Jesus. Ang mga ito'y tatanggap ng kaparusahang walang hanggang pagkapuksa at palalayasin sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kanyang kalakasan, kapag dumating siya sa araw na iyon upang luwalhatiin sa kanyang mga banal, at kamanghaan ng lahat ng mga sumasampalataya, sapagkat ang aming patotoo sa inyo ay pinaniwalaan. Dahil din dito ay lagi naming idinadalangin kayo, na kayo'y ariin ng ating Diyos na karapat-dapat sa pagkatawag sa inyo, at tuparin ang bawat hangarin sa kabutihan at gawa ng pananampalataya na may kapangyarihan, upang ang pangalan ng ating Panginoong Jesus ay luwalhatiin sa inyo, at kayo'y sa kanya, ayon sa biyaya ng ating Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo. Ngayon, hinihiling namin sa inyo, mga kapatid, tungkol sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo, at sa ating pagkakatipon sa kanya; na huwag kayong madaling matinag sa inyong pag-iisip, at huwag din namang mabagabag sa pamamagitan man ng espiritu, o sa pamamagitan ng salita, o sa pamamagitan ng sulat, na waring mula sa amin, na para bang dumating na ang araw ng Panginoon. Huwag kayong padaya kanino man sa anumang paraan, sapagkat ito'y hindi darating malibang maunang maganap ang pagtalikod, at mahayag ang taong makasalanan, ang anak ng kapahamakan. Siya ay sumasalungat at nagmamataas laban sa lahat ng tinatawag na diyos o sinasamba; anupa't siya'y nauupo sa templo ng Diyos, na ipinahahayag ang kanyang sarili na Diyos. Hindi ba ninyo naaalala na noong ako'y kasama pa ninyo ay sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito? At ngayo'y nakikilala ninyo kung ano ang nakakapigil upang siya'y mahayag sa kanyang takdang panahon. Sapagkat ang hiwaga ng kasamaan ay gumagawa na; tanging siya na sa ngayon ay pumipigil niyon ang gagawa ng gayon hanggang sa siya ay maalis. At kung magkagayo'y mahahayag ang taong makasalanan na siyang pupuksain ng Panginoong Jesus sa pamamagitan ng hininga ng kanyang bibig, at lilipulin sa pamamagitan ng pagkahayag ng kanyang pagdating. Ang pagdating ng taong makasalanan ay ayon sa paggawa ni Satanas na may buong kapangyarihan at mga tanda at mga mapanlinlang na kababalaghan, at may lahat ng mapandayang kasamaan para sa mga napapahamak, sapagkat tumanggi silang ibigin ang katotohanan upang sila'y maligtas. At dahil dito'y pinapadalhan sila ng Diyos ng makapangyarihang pagkalinlang upang maniwala sila sa kasinungalingan, upang mahatulan silang lahat na hindi sumampalataya sa katotohanan, sa halip ay nalugod sa kalikuan. Ngunit kami ay dapat laging magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo, mga kapatid na minamahal ng Panginoon, sapagkat hinirang kayo ng Diyos bilang unang bunga sa kaligtasan sa pamamagitan ng pagpapabanal ng Espiritu at pananampalataya sa katotohanan. Dito'y tinawag niya kayo sa pamamagitan ng aming ebanghelyo, upang magkamit ng kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Kaya nga, mga kapatid, kayo'y manindigang matibay at inyong panghawakan ang mga tradisyon na sa inyo'y itinuro namin, maging sa pamamagitan ng salita, o ng sulat mula sa amin. Ngayon ang ating Panginoong Jesu-Cristo mismo at ang Diyos na ating Ama na umibig sa atin at nagbigay ng walang hanggang kaaliwan at mabuting pag-asa sa pamamagitan ng biyaya, ang umaliw sa inyong mga puso, at patibayin kayo sa bawat mabuting gawa at salita. Sa katapus-tapusan, mga kapatid, idalangin ninyo kami, upang ang salita ng Panginoon ay mabilis na lumaganap at luwalhatiin na tulad din sa inyo, at upang kami ay maligtas sa mga taong makasalanan at masasama, sapagkat hindi lahat ay mayroong pananampalataya. Ngunit tapat ang Panginoon na magpapatibay sa inyo, at magbabantay sa inyo laban sa masama. At may tiwala kami sa Panginoon tungkol sa inyo, na inyong ginagawa at gagawin naman ang mga bagay na aming ipinag-uutos. Patnubayan nawa ng Panginoon ang inyong mga puso sa pag-ibig ng Diyos at sa katatagan ni Cristo. Aming ipinag-uutos ngayon sa inyo, mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kayo'y lumayo sa bawat kapatid na namumuhay sa katamaran, at hindi ayon sa tradisyon na tinanggap nila sa amin. Sapagkat kayo rin ang nakakaalam kung paano ninyo kami dapat tularan; hindi kami tamad noong kami'y kasama ninyo. Hindi kami kumain ng tinapay ng sinuman nang walang bayad, kundi sa pagpapagal at hirap ay gumagawa gabi't araw, upang kami ay huwag maging pasanin sa kanino man sa inyo. Hindi dahil sa kami ay walang karapatan, kundi upang maibigay namin ang aming mga sarili sa inyo bilang huwaran na dapat tularan. Sapagkat noon pa mang kami ay kasama ninyo ay aming iniutos ito sa inyo: "Kung ang sinuman ay ayaw magtrabaho ay huwag din namang kumain." Sapagkat aming nababalitaan na ang ilan sa inyo ay namumuhay sa katamaran, hindi man lamang gumagawa, sa halip ay mga mapanghimasok. Ngayon, ang mga taong iyon ay inaatasan namin at pinapakiusapan namin sa Panginoong Jesu-Cristo na gumawa nang may katahimikan, upang makakain sila ng sarili nilang pagkain. Ngunit kayo, mga kapatid, huwag kayong manlupaypay sa paggawa ng mabuti. Inyong tandaan ang mga hindi sumusunod sa aming mga sinasabi sa sulat na ito; at huwag ninyo siyang pakisamahan nang siya'y mapahiya. Gayunma'y huwag ninyong ituring siyang kaaway, kundi inyo siyang pagsabihan bilang kapatid. Ngayon, nawa'y mismong ang Panginoon ng kapayapaan ang magbigay sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng panahon at sa lahat ng paraan. Ang Panginoon ay sumainyo nawang lahat. Akong si Pablo ay sumusulat ng pagbating ito ng aking sariling kamay. Ito ang palatandaan sa bawat sulat ko; gayon ako sumusulat. Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo nawang lahat. Si Pablo, na apostol ni Cristo Jesus ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas, at ni Cristo Jesus na ating pag-asa, Kay Timoteo na aking tunay na anak sa pananampalataya: Biyaya, kahabagan, at kapayapaan mula sa Diyos Ama at kay Jesu-Cristo na Panginoon natin. Pinapakiusapan kitang manatili sa Efeso gaya noong patungo ako sa Macedonia, na iyong atasan ang ilang tao na huwag magturo ng ibang aral, ni huwag bigyang pansin ang mga alamat at walang katapusang talaan ng lahi, na nagiging sanhi ng mga haka-haka sa halip ng pagsasanay na mula sa Diyos na nakikilala sa pamamagitan ng pananampalataya. Subalit ang layunin ng aming tagubilin ay pag-ibig na nagmumula sa malinis na puso at sa mabuting budhi at sa pananampalatayang hindi pakunwari. Ang ilan ay lumihis mula rito at bumaling sa walang kabuluhang pag-uusap, na nagnanais na maging mga guro ng kautusan, gayong hindi nila nauunawaan ang kanilang sinasabi, maging ang mga bagay na kanilang buong tiwalang pinaninindigan. Ngunit nalalaman natin na ang kautusan ay mabuti, kung ginagamit ng tao sa matuwid na paraan. Ito ay nangangahulugang nauunawaan na ang kautusan ay hindi ginawa para sa taong matuwid, kundi para sa mga walang kinikilalang batas at mapaghimagsik, para sa masasama at mga makasalanan, para sa mga hindi banal at lapastangan, para sa mga pumapatay sa ama at sa ina, para sa mga mamamatay tao, para sa mga mapakiapid, para sa nakikipagtalik sa kapwa lalaki o kapwa babae, para sa mga nagbebenta ng alipin, para sa mga sinungaling, para sa mga mandaraya, at kung may iba pang bagay na salungat sa mahusay na aral; ayon sa maluwalhating ebanghelyo ng mapagpalang Diyos na ipinagkatiwala sa akin. Nagpapasalamat ako sa kanya na nagpapalakas sa akin, kay Cristo Jesus na Panginoon natin, sapagkat ako'y itinuring niyang tapat, na ako'y inilagay sa paglilingkod sa kanya. Kahit na noong una ako'y isang lapastangan, mang-uusig at mang-aalipusta, gayunma'y kinahabagan ako, sapagkat sa kamangmangan ay ginawa ko iyon sa kawalan ng pananampalataya, at labis na sumagana sa akin ang biyaya ng ating Panginoon na may pananampalataya at pag-ibig na na kay Cristo Jesus. Tapat ang salita at nararapat tanggapin nang lubos, na si Cristo Jesus ay pumarito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan; na ako ang pangunahin sa mga ito. Ngunit dahil dito, nakatanggap ako ng habag upang sa akin na pangunahin ay maipahayag ni Jesu-Cristo ang kanyang sakdal na pagtitiis, bilang halimbawa sa mga sasampalataya sa kanya, tungo sa buhay na walang hanggan. Sa Haring walang hanggan, walang kamatayan, di nakikita, tanging Diyos, ang karangalan at kaluwalhatian magpakailanpaman. Amen. Ang biling ito ay ipinagkakatiwala ko sa iyo, Timoteo na aking anak, ayon sa mga propesiya na ginawa noong una tungkol sa iyo, upang sa pamamagitan ng mga ito ay makipaglaban ka ng mabuting pakikipaglaban, na iniingatan ang pananampalataya at ang mabuting budhi. Sa pamamagitan ng pagtatakuwil sa budhi, ang ibang tao ay nakaranas ng pagkawasak ng barko sa kanilang pananampalataya; kabilang sa mga ito sina Himeneo at Alejandro na aking ibinigay kay Satanas, upang sila'y maturuang huwag manlapastangan. Una sa lahat, ay isinasamo ko na gawin ang mga paghiling, mga panalangin, mga pamamagitan, at mga pagpapasalamat patungkol sa lahat ng mga tao; patungkol sa mga hari at sa lahat ng nasa mataas na katungkulan upang tayo'y mamuhay na tahimik at payapa sa buong kabanalan at paggalang. Ito'y mabuti at kaaya-aya sa paningin ng Diyos na ating Tagapagligtas; na nagnanais na ang lahat ng tao ay maligtas at makarating sa pagkakilala ng katotohanan. Sapagkat may isang Diyos at may isang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus, na ibinigay ang kanyang sarili na pantubos sa lahat; na siyang patotoo sa tamang panahon. Para dito'y itinalaga ako na isang mangangaral at apostol (sinasabi ko ang katotohanan,a hindi ako nagsisinungaling), guro sa mga Hentil sa pananampalataya at katotohanan. Ibig ko ngang ang mga lalaki ay manalangin sa bawat dako, na itinataas ang kanilang mga banal na kamay na walang galit at pag-aalinlangan. Gayundin naman, na ang mga babae ay dapat na magdamit na may kahinhinan, naaangkop at hindi mahalay; hindi ng napapalamutiang buhok, at ng ginto o perlas o mamahaling damit; kundi ng mabubuting gawa na siyang nararapat sa mga babaing nagpapahayag ng paggalang sa Diyos. Hayaang ang babae'y matuto sa katahimikan na may buong pagpapasakop. Hindi ko ipinahihintulot na ang babae ay magturo, ni magkaroon ng pamumuno sa lalaki, kundi tumahimik. Sapagkat si Adan ang unang nilalang, pagkatapos ay si Eva; at si Adan ay hindi nadaya, kundi ang babae nang madaya ay nahulog sa pagkakasala. Ngunit ililigtas ang babae sa pamamagitan ng panganganak, kung sila'y mananatiling may kaayusan sa pananampalataya, pag-ibig at sa kabanalan. Tapat ang salita: Kung ang sinuman ay naghahangad na maging obispo, siya ay nagnanais ng mabuting gawain. Kailangan na ang obispo ay walang kapintasan, asawa ng isang babae, mapagpigil, matino ang pag-iisip, kagalang-galang, mapagpatuloy ng panauhin, mahusay magturo, hindi mahilig sa alak, hindi mapusok kundi mahinahon, hindi palaaway, at hindi maibigin sa salapi. Dapat ay pinamamahalaan niyang mabuti ang kanyang sariling sambahayan, sinusupil ang kanyang mga anak, at may lubos na paggalang. Sapagkat kung ang sinuman ay hindi marunong mamahala ng kanyang sariling sambahayan, paano niya pangangalagaan ang iglesya ng Diyos? Hindi isang bagong hikayat, baka siya magpalalo at mahulog sa kahatulan ng diyablo. Bukod dito'y dapat din namang siya'y magkaroon ng mabuting patotoo mula sa mga nasa labas, baka siya mahulog sa kahihiyan at bitag ng diyablo. Gayundin naman ang mga diakono ay dapat na maging kagalang-galang, hindi dalawang dila, hindi nalululong sa maraming alak, hindi mga sakim sa masamang pagkakakitaan, na iniingatan ang hiwaga ng pananampalataya nang may malinis na budhi. At ang mga ito rin naman ay subukin muna; at kung mapatunayang walang kapintasan, hayaan silang maglingkod bilang mga diakono. Gayundin naman, ang mga babae ay dapat na maging kagalang-galang, hindi mapanirang puri, kundi mapagpigil, tapat sa lahat ng mga bagay. Ang mga diakono ay dapat na may tig-iisang asawa lamang, at pinamamahalaang mabuti ang kanilang mga anak at ang kanilang sariling mga sambahayan. Sapagkat ang mga nakapaglingkod nang mabuti bilang mga diakono ay nagtatamo para sa kanilang sarili ng isang mabuting katayuan, at ng malaking pagtitiwala sa pananampalataya kay Cristo Jesus. Ang mga bagay na ito ay aking isinusulat sa iyo, na umaasang makakarating sa iyo sa madaling panahon, ngunit kung ako'y maantala, ay maaari mong malaman kung ano ang dapat ugaliin ng bawat tao sa bahay ng Diyos, na siyang iglesya ng Diyos na buhay, ang haligi at suhay ng katotohanan. Walang pag-aalinlangan, dakila ang hiwaga ng kabanalan: Siyang nahayag sa laman, pinatunayang matuwid sa espiritu, nakita ng mga anghel, ipinangaral sa mga bansa, sinampalatayanan sa sanlibutan, tinanggap sa itaas sa kaluwalhatian. Ngayon ay maliwanag na sinasabi ng Espiritu na sa mga huling panahon ang iba'y tatalikod sa pananampalataya sa pamamagitan ng pakikinig sa mga mandarayang espiritu at sa mga aral ng mga demonyo, sa pamamagitan ng pagkukunwari ng mga nagsasalita ng mga kasinungalingan, na ang mga budhi ay tinatakan ng nagbabagang bakal. Kanilang ipagbabawal ang pag-aasawa at ipag-uutos na lumayo sa mga pagkaing nilalang ng Diyos upang tanggapin na may pagpapasalamat ng mga nananampalataya at nakakaalam ng katotohanan. Sapagkat ang bawat nilalang ng Diyos ay mabuti at walang anumang dapat tanggihan, kung tinatanggap ito na may pagpapasalamat; sapagkat ito ay pinababanal sa pamamagitan ng salita ng Diyos at ng panalangin. Kung ituturo mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito, ikaw ay magiging isang mabuting lingkod ni Cristo Jesus, na pinalusog sa mga salita ng pananampalataya at ng mabuting aral na iyong sinusunod. Subalit tanggihan mo ang masasama at mga walang kabuluhang katha. Sanayin mo ang iyong sarili sa kabanalan, sapagkat ang pagsasanay sa katawan ay may kaunting pakinabang subalit ang kabanalan ay may kapakinabangan sa lahat ng bagay, na may pangako sa buhay na ito at sa darating. Tapat ang salita at nararapat tanggapin nang lubos. Sapagkat dahil dito ay nagpapagal kami at nagsisikap, sapagkat nakalagak ang aming pag-asa sa Diyos na buhay, na siyang Tagapagligtas ng lahat ng tao, lalo na ng mga nananampalataya. Iutos at ituro mo ang mga bagay na ito. Huwag mong hayaang hamakin ng sinuman ang iyong kabataan; kundi ikaw ay maging halimbawa ng mga mananampalataya sa pananalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya, at sa kalinisan. Hanggang sa dumating ako, bigyang pansin mo ang hayagang pagbabasa ng kasulatan, ang pangangaral, at ang pagtuturo. Huwag mong pabayaan ang kaloob na sa iyo'y ibinigay sa pamamagitan ng propesiya, na may pagpapatong ng mga kamay ng kapulungan ng matatanda. Gawin mo ang mga bagay na ito; italaga mo ang iyong sarili sa mga ito upang ang iyong pag-unlad ay makita ng lahat. Ingatan mo ang iyong sarili at ang iyong pagtuturo. Manatili ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa nito ay maililigtas mo ang iyong sarili at ang mga nakikinig sa iyo. Huwag mong pagsabihan na may kagaspangan ang nakatatandang lalaki, kundi pakiusapan mo siyang tulad sa isang ama; sa mga kabataang lalaki na tulad sa mga kapatid; sa matatandang babae na tulad sa mga ina; at sa mga kabataang babae na tulad sa mga kapatid na babae, na may buong kalinisan. Parangalan mo ang mga babaing balo na tunay na balo. Ngunit kung ang sinumang babaing balo ay may mga anak o mga apo, hayaang matutuhan muna nila ang kanilang banal na tungkulin sa kanilang sariling sambahayan, at gantihan ang kanilang mga magulang, sapagkat ito'y kaaya-aya sa paningin ng Diyos. Ang tunay na babaing balo at naiwang nag-iisa ay umaasa sa Diyos at nagpapatuloy sa mga pagdaing at mga panalangin gabi't araw; subalit ang nabubuhay sa mga kalayawan, bagama't buhay ay patay. Ang mga bagay na ito'y iutos mo rin naman upang sila'y hindi magkaroon ng kapintasan. Ngunit kung ang sinuman ay hindi kumakalinga sa kanyang kamag-anak, lalung-lalo na sa kanyang sariling sambahayan, tinanggihan niya ang pananampalataya at siya'y masahol pa sa hindi mananampalataya. Isama sa talaan ang babaing balo kung siya ay animnapung taong gulang pataas, at naging asawa ng iisang lalaki; na may mabuting patotoo tungkol sa mabubuting gawa; na siya'y nagpalaki ng mga anak, na siya'y nagpatuloy ng mga panauhin sa kanyang tahanan, naghugas ng mga paa ng mga banal, dumamay sa mga naghihirap, at itinalaga niya ang sarili sa paggawa ng mabuti sa lahat ng paraan. Ngunit huwag mong itala ang mga nakababatang babaing balo; sapagkat nang magkaroon sila ng masamang nasa na naghihiwalay sa kanila kay Cristo, ay nais nilang mag-asawa; kaya't sila'y nagkakaroon ng kahatulan, sapagkat itinakuwil nila ang kanilang unang panata. Bukod dito, natututo silang maging mga tamad, nagpapalipat-lipat sa bahay-bahay; at hindi lamang mga tamad, kundi mga tsismosa at mga pakialamera, na nagsasalita ng mga bagay na hindi nararapat. Kaya nga, ibig kong magsipag-asawa ang mga batang babaing balo, manganak, mamahala ng sambahayan, huwag magbigay sa kaaway ng anumang kadahilanan ng panlilibak, sapagkat ang mga iba'y bumaling at sumunod na kay Satanas. Kung ang sinumang babaing nananampalataya ay may mga kamag-anak sa mga babaing balo, kanyang tulungan sila upang huwag nang mabigatan ang iglesya, at upang matulungan ng iglesya ang mga tunay na balo. Ang matatanda na namamahalang mabuti ay ituring na may karapatan sa ibayong karangalan, lalung-lalo na ang mga nagpapagal sa pangangaral at sa pagtuturo. Sapagkat sinasabi ng kasulatan, "Huwag mong lalagyan ng busal ang baka kapag gumigiik," at, "Ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanyang sahod." Huwag kang tatanggap ng sumbong laban sa matanda, maliban sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi. Sila namang nagpapatuloy sa pagkakasala ay sawayin mo sa harapan ng lahat, upang ang iba nama'y matakot. Inaatasan kita sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus, at ng mga anghel na hinirang, na iyong sundin ang mga bagay na ito na walang kinikilingan, at huwag mong gagawin ang anumang bagay nang may pagtatangi. Huwag mong ipatong na madalian ang iyong mga kamay sa kanino man, ni huwag kang makiisa sa mga kasalanan ng iba; panatilihin mong malinis ang iyong sarili. Huwag ka nang iinom ng tubig lamang, kundi gumamit ka ng kaunting alak dahil sa iyong tiyan at sa iyong madalas na pagkakasakit. Ang mga kasalanan ng ibang tao ay hayag, at nauuna sa kanila sa paghuhukom, ngunit ang kasalanan ng iba ay susunod sa kanila roon. Gayundin naman, ang mabubuting gawa ay hayag at kung hindi gayon, ang mga iyon ay hindi mananatiling lihim. Ituring ng lahat ng mga nasa ilalim ng pamatok ng pagkaalipin ang kanilang mga amo bilang karapat-dapat sa lahat ng karangalan, upang ang pangalan ng Diyos at ang aral ay hindi malapastangan. Ang mga may among mananampalataya ay huwag maging walang galang sa kanila, sapagkat sila'y mga kapatid, kundi lalo pa silang maglingkod, sapagkat ang mga makikinabang ay mga mananampalataya at mga minamahal. Iyong ituro at ipangaral ang mga bagay na ito. Kung ang sinuma'y nagtuturo ng ibang aral at hindi sumasang-ayon sa mahuhusay na salita ng ating Panginoong Jesu-Cristo, at sa aral na ayon sa kabanalan, siya ay palalo, walang nauunawang anuman; at siya ay nahuhumaling sa mga usapin at sa pagtatalo tungkol sa mga salita na pinagmumulan ng inggit, away, paninirang puri, mga masasamang hinala, pag-aaway ng mga taong masasama ang pag-iisip at salat sa katotohanan, na inaakalang ang kabanalan ay paraan ng pakinabang. Subalit ang kabanalan na may kasiyahan ay malaking pakinabang. Sapagkat wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin naman tayong mailalabas na anuman; ngunit kung tayo'y may pagkain at damit, masiyahan na tayo sa mga ito. Ngunit ang mga nagnanais yumaman ay nahuhulog sa tukso, at nabibitag sa maraming hangal at nakapipinsalang pagnanasa, na siyang naglulubog sa mga tao sa pagkawasak at kapahamakan. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan; na ang ilang nagnasa rito ay napalayo sa pananampalataya at tinusok ang kanilang mga sarili ng maraming kalungkutan. Ngunit ikaw, O tao ng Diyos, layuan mo ang mga bagay na ito at sumunod ka sa katuwiran, sa pagiging maka-Diyos, sa pananampalataya, sa pag-ibig, sa pagtitiis, at sa kaamuan. Makipaglaban ka sa mabuting pakikipaglaban ng pananampalataya, panghawakan mo ang buhay na walang hanggan na dito'y tinawag ka, at ipinahayag mo ang mabuting pagpapahayag sa harapan ng maraming mga saksi. Sa harapan ng Diyos na nagbibigay ng buhay sa lahat ng mga bagay, at ni Cristo Jesus na nagpatotoo ng mabuting pagpapahayag sa harapan ni Poncio Pilato, inaatasan kita, na ingatan mong walang dungis at walang kapintasan ang utos hanggang sa pagpapakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo; na kanyang ipahahayag sa takdang panahon — siya na mapalad at tanging Makapangyarihan, ang Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon. Siya lamang ang walang kamatayan at naninirahan sa liwanag na di malapitan; na hindi nakita ng sinumang tao, o makikita man. Sumakanya nawa ang karangalan at paghaharing walang hanggan. Amen. Ang mayayaman sa sanlibutang ito ay atasan mo na huwag magmataas ni huwag umasa sa mga kayamanang hindi tiyak, kundi sa Diyos na nagbibigay sa atin ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan. Dapat silang gumawa ng mabuti, maging mayaman sa mabubuting gawa, bukas ang palad at handang mamahagi, sa gayo'y magtitipon sila para sa kanilang sarili ng isang mabuting saligan para sa hinaharap upang sila'y makapanghawak sa tunay na buhay. O Timoteo, ingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga usapang walang kabuluhan at ang mga pagsalungat ng huwad na kaalaman; na sa pamamagitan ng paniniwala dito ang ilan ay nalihis sa pananampalataya. Sumainyo nawa ang biyaya. Si Pablo, apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, ayon sa pangako ng buhay na na kay Cristo Jesus, Kay Timoteo na aking minamahal na anak: Biyaya, kahabagan, kapayapaan nawang mula sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon. Nagpapasalamat ako sa Diyos, na aking pinaglilingkuran na may malinis na budhi gaya ng aking mga ninuno, kapag lagi kitang naaalala sa aking mga panalangin gabi't araw. Kapag naaalala ko ang iyong mga pagluha, kinasasabikan kong makita ka, upang ako'y mapuno ng kagalakan. Naaalala ko ang iyong tapat na pananampalataya, isang pananampalataya na unang nabuhay kay Loida na iyong lola at kay Eunice na iyong ina at ngayon, ako'y nakakatiyak, ay namamalagi sa iyo. Dahil dito ay ipinaaalala ko sa iyo na paningasin mo ang kaloob ng Diyos na nasa iyo sa pamamagitan ng pagpapatong ng aking mga kamay; sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng kaduwagan kundi ng espiritu ng kapangyarihan, ng pag-ibig at ng pagpipigil sa sarili. Huwag mong ikahiya ang pagpapatotoo sa ating Panginoon, ni sa akin na bilanggo niya, kundi makipagtiis ka alang-alang sa ebanghelyo ayon sa kapangyarihan ng Diyos, na siyang sa atin ay nagligtas at sa atin ay tumawag ng isang banal na pagtawag, hindi ayon sa ating mga gawa, kundi ayon sa kanyang sariling layunin at biyaya. Ang biyayang ito ay ibinigay sa atin kay Cristo Jesus bago pa nagsimula ang mga panahon, subalit ngayon ay nahayag sa pamamagitan ng pagpapakita ng ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus, na siyang nag-alis ng kamatayan, at nagdala sa buhay at sa kawalan ng kamatayan tungo sa liwanag sa pamamagitan ng ebanghelyo. Dito ay itinalaga ako na tagapangaral, apostol at guro. At dahil din dito, ako'y nagdurusa ng mga bagay na ito; gayunma'y hindi ako nahihiya sapagkat kilala ko ang aking sinampalatayanan, at ako'y lubos na naniniwalang maiingatan niya ang aking ipinagkatiwala sa kanya hanggang sa araw na iyon. Sundan mo ang huwaran ng mga wastong salita na narinig mo sa akin, sa pananampalataya at pag-ibig na na kay Cristo Jesus. Ingatan mo ang mabuting bagay na ipinagkatiwala sa iyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo na nabubuhay sa atin. Ito'y nalalaman mo na humiwalay sa akin ang lahat ng nasa Asia, kabilang sa kanila sina Figello at Hermogenes. Pagkalooban nawa ng Panginoon ng habag ang sambahayan ni Onesiforo, sapagkat madalas niya akong pinagiginhawa, at hindi niya ikinahiya ang aking tanikala; kundi nang siya'y dumating sa Roma, hinanap niya ako nang buong sikap, at ako'y natagpuan niya. Pagkalooban nawa ng Panginoon na matagpuan niya ang kahabagan ng Panginoon sa araw na iyon; at alam na alam mo kung gaano karaming mga bagay ang ipinaglingkod niya sa Efeso. Kaya't ikaw, anak ko, maging malakas ka sa biyayang na kay Cristo Jesus, at ang mga bagay na iyong narinig sa akin sa harap ng maraming saksi ay siya mo ring ipagkatiwala sa mga taong tapat na makakapagturo rin naman sa iba. Makipagtiis ka ng mga kahirapan, gaya ng mabuting kawal ni Cristo Jesus. Walang kawal na naglilingkod ang nakikisangkot sa mga bagay ng buhay na ito, yamang ang kanyang mithiin ay bigyang kasiyahan ang nagtala sa kanya. Sinumang manlalaro ay hindi pinuputungan malibang nakipagpaligsahan siya ayon sa mga alituntunin. Ang magsasaka na nagpapakapagod ay siyang unang dapat na magkaroon ng bahagi sa mga bunga. Isipin mo ang sinasabi ko, sapagkat bibigyan ka ng Panginoon ng pagkaunawa sa lahat ng mga bagay. Alalahanin mo si Jesu-Cristo na muling binuhay mula sa mga patay, mula sa binhi ni David, ayon sa aking ebanghelyo, na dahil sa kanya ay nagtitiis ako ng kahirapan, maging hanggang sa pagkakaroon ng tanikala na tulad sa isang masamang tao. Ngunit ang salita ng Diyos ay hindi nagagapos. Kaya aking tinitiis ang lahat ng mga bagay dahil sa mga hinirang, upang kamtan din nila ang kaligtasan kay Cristo Jesus na may kaluwalhatiang walang hanggan. Tapat ang salita: Kung tayo'y namatay na kasama niya, mabubuhay rin tayong kasama niya; kung tayo'y magtitiis, magnahari naman tayong kasama niya; kung ating ikakaila siya, ay ikakaila rin niya tayo; kung tayo'y hindi tapat, siya'y nananatiling tapat; sapagkat hindi niya maipagkakaila ang kanyang sarili. Ipaalala mo sa kanila ang mga bagay na ito, na sila'y pagbilinan mo sa harapan ng Diyos na sila'y huwag makipagtalo tungkol sa mga salita na hindi mapapakinabangan kundi sa ikapapahamak lamang ng mga nakikinig. Pagsikapan mong humarap na subok sa Diyos, manggagawang walang anumang dapat ikahiya, na gumagamit nang wasto sa salita ng katotohanan. Subalit iwasan mo ang mga usapang walang kabuluhan, sapagkat ito'y magtutulak sa mga tao sa higit pang kasamaan, at ang kanilang salita ay kakalat na gaya ng ganggrena. Kasama sa mga ito sina Himeneo at si Fileto, na lumihis sa katotohanan at sinasabing ang muling pagkabuhay ay naganap na. Kanilang ginugulo ang pananampalataya ng iba. Ngunit ang matibay na saligan ng Diyos ay nananatiling matatag na may tatak na ganito: "Kilala ng Panginoon ang mga kanya," at, "Lumayo sa kalikuan ang bawat tumatawag sa pangalan ng Panginoon." Sa isang malaking bahay ay hindi lamang may mga kasangkapang ginto at pilak, kundi mayroon din namang kahoy at luwad, at ang iba'y sa natatanging paggagamitan at ang iba'y para sa karaniwan. Kung nililinis ng sinuman ang kanyang sarili mula sa mga bagay na ito ay magiging tanging kagamitan, itinalaga at mahalaga sa may-ari ng bahay, handa sa lahat ng mabuting gawa. Ngunit layuan mo ang masasamang pagnanasa ng kabataan at sundin mo ang katuwiran, pananampalataya, pag-ibig, at kapayapaan, kasama ng mga tumatawag sa Panginoon mula sa malinis na puso. Iwasan mo ang mga usapang walang kabuluhan at hangal, yamang nalalaman mo na namumunga ang mga ito ng mga away. Ang alipin ng Panginoon ay hindi dapat makipag-away, kundi maamo sa lahat, mahusay magturo, matiyaga, tinuturuan nang may kaamuan ang mga sumasalungat, baka sakaling pagkalooban ng Diyos ng pagsisisi tungo sa pagkakilala sa katotohanan, at sila'y matauhan at makawala sa bitag ng diyablo na bumihag sa kanila upang gawin ang kanyang kalooban. Ngunit unawain mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahon ng kapighatian. Sapagkat ang mga tao'y magiging maibigin sa kanilang sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mga mapagmalaki, mapanlait, suwail sa mga magulang, mga walang utang na loob, walang kabanalan, walang katutubong pag-ibig, mga walang habag, mga mapanirang puri, mga walang pagpipigil sa sarili, mababangis, mga hindi maibigin sa mabuti, mga taksil, matitigas ang ulo, mga palalo, mga maibigin sa kalayawan sa halip na mga maibigin sa Diyos; na may anyo ng kabanalan, ngunit tinatanggihan ang kapangyarihan nito. Lumayo ka rin naman sa mga ito. Sapagkat mula sa mga ito ang mga pumapasok sa sambahayan, at binibihag ang mga hangal na babae na puno ng mga kasalanan, at hinihila ng mga iba't ibang pagnanasa, na laging nag-aaral at kailanman ay hindi nakakarating sa pagkakilala ng katotohanan. Kung paanong sina Janes at Jambres ay sumalungat kay Moises, ang mga ito'y sumasalungat din sa katotohanan, mga taong masasama ang pag-iisip at mga nagtakuwil sa pananampalataya. Ngunit sila'y hindi magpapatuloy, sapagkat mahahayag sa lahat ng mga tao ang kanilang kahangalan, gaya ng nangyari sa mga lalaking iyon. Ngayon, sinunod mong mabuti ang aking aral, pamumuhay, layunin, pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig, at pagtitiis, mga pag-uusig, mga pagdurusa, anumang mga bagay ang nangyari sa akin sa Antioquia, Iconio, Listra. Napakaraming pag-uusig ang tiniis ko! Ngunit sa lahat ng ito ay iniligtas ako ng Panginoon. Tunay na ang lahat ng ibig mabuhay na may kabanalan kay Cristo Jesus ay daranas ng pag-uusig. Subalit ang masasamang tao at mga mandaraya ay lalong sasama nang sasama, sila'y mandaraya at madadaya. Subalit manatili ka sa mga bagay na iyong natutuhan at matatag na pinaniwalaan, yamang nalalaman mo kung kanino ka natuto, at kung paanong mula sa pagkabata ay iyong nalaman ang mga banal na kasulatan na makakapag-turo sa iyo tungo sa kaligtasan sa pa-mamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. Ang lahat ng mga kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, pagtutuwid, at sa pagsasanay sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging ganap, nasasangkapang lubos sa lahat ng mga gawang mabuti. Sa harapan ng Diyos at ni Cristo Jesus, na siyang hahatol sa mga buhay at sa mga patay, at sa pamamagitan ng kanyang pagpapakita at sa kanyang kaharian, ay inaatasan kita: ipangaral mo ang salita, magsikap ka sa kapanahunan at sa di kapanahunan, magtuwid ka, manaway ka, mangaral ka na may buong pagtitiyaga at pagtuturo. Sapagkat darating ang panahon na hindi nila matitiis ang wastong aral; kundi, sa pagkakaroon nila ng makakating tainga, ay mag-iipon sila para sa kanilang sarili ng mga gurong ayon sa kanilang sariling pagnanasa, at tatalikod sa pakikinig sa katotohanan ang kanilang mga tainga, at babaling sa mga kathang-isip. Ngunit ikaw ay maging matino sa lahat ng mga bagay, magtiis ka ng mga kahirapan, gampanan mo ang gawain ng isang ebanghelista, ganapin mong lubos ang iyong ministeryo. Tungkol sa akin, ako'y ibinuhos na tulad sa inuming handog, at ang panahon ng aking pagpanaw ay dumating na. Nakipaglaban ako ng mabuting pakikipaglaban, natapos ko na ang aking takbuhin, iningatan ko ang pananampalataya. Kaya't mula ngayon ay nakalaan na sa akin ang putong ng katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon na tapat na hukom sa araw na iyon, at hindi lamang sa akin, kundi sa lahat din naman ng mga naghahangad sa kanyang pagpapakita. Magsikap kang pumarito agad sa akin, sapagkat iniwan ako ni Demas, na umibig sa sanlibutang ito, at nagtungo sa Tesalonica; si Crescente ay nagtungo sa Galacia, at si Tito ay sa Dalmacia. Si Lucas lamang ang kasama ko. Sunduin mo si Marcos at isama mo, sapagkat siya'y kapaki-pakinabang sa akin sa ministeryo. Samantala, si Tiquico ay sinugo ko sa Efeso. Ang balabal na aking iniwan sa Troas kay Carpo ay iyong dalhin pagparito mo, at ang mga aklat, lalung-lalo na ang mga pergamino. Maraming ginawang kasamaan sa akin si Alejandro na panday ng tanso. Gagantihan siya ng Panginoon ayon sa kanyang mga gawa. Mag-ingat ka rin sa kanya, sapagkat tunay na kanyang sinalungat ang aming ipinangangaral. Sa aking unang pagsasanggalang ay walang sinumang kumampi sa akin, bagkus pinabayaan ako ng lahat. Huwag nawang singilin sa kanila ito. Ngunit ang Panginoon ay tumindig sa tabi ko at ako'y pinalakas niya upang sa pamamagitan ko ay ganap na maipahayag ang mensahe upang mapakinggan ito ng lahat ng mga Hentil. Kaya't ako'y iniligtas sa bibig ng leon. Ako'y ililigtas ng Panginoon sa bawat masamang gawa at ako'y kanyang iingatan para sa kanyang kaharian sa langit. Sumakanya nawa ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen. Batiin mo sina Priscila at Aquila at ang sambahayan ni Onesiforo. Si Erasto ay nanatili sa Corinto, ngunit si Trofimo ay iniwan kong maysakit sa Mileto. Magsikap kang pumarito bago dumating ang taglamig. Binabati ka nina Eubulo, Pudente, Lino, Claudia, at ng lahat ng mga kapatid. Ang Panginoon nawa'y sumainyong espiritu. Sumainyo nawa ang biyaya. Si Pablo, na alipin ng Diyos, at apostol ni Jesu-Cristo, sa ikasusulong ng pananampalataya ng mga hinirang ng Diyos, at ng kanilang pagkakilala sa katotohanang ayon sa kabanalan, sa pag-asa sa buhay na walang hanggan. Bago pa nagsimula ang mga panahon, ito ay ipinangako ng Diyos na hindi nagsisinungaling. Ngunit sa takdang panahon ay ipinahayag sa kanyang salita sa pamamagitan ng pangangaral na sa akin ay ipinagkatiwala ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas; kay Tito na aking tunay na anak sa iisang pananampalataya: Biyaya at kapayapaan mula sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Tagapagligtas. Dahil dito'y iniwan kita sa Creta, upang isaayos mo ang mga bagay na may kakulangan at upang magtalaga ng matatanda sa iglesya sa bawat bayan, na gaya ng ipinagbilin ko sa iyo: Siya ay dapat na walang kapintasan, asawa ng isang babae, na ang kanyang mga anak ay mananampalataya, na hindi napaparatangan ng panggugulo o ng pagiging suwail. Sapagkat ang obispo bilang katiwala ng Diyos ay dapat na walang kapintasan, hindi mayabang, hindi magagalitin, hindi maglalasing, hindi marahas, hindi sakim sa pakinabang; kundi mapagpatuloy ng panauhin, maibigin sa kabutihan, matino ang pag-iisip, matuwid, banal, at mapagpigil sa sarili. Dapat na kanyang pinanghahawakang mabuti ang tapat na salita na ayon sa turo, upang makapangaral siya ng wastong aral, at pabulaanan ang mga sumasalungat dito. Sapagkat maraming mga suwail, na mapagsalita ng walang kabuluhan at mga mandaraya, lalung-lalo na ang mga nasa panig ng pagtutuli. Dapat patigilin ang kanilang mga bibig, sapagkat ginugulo nila ang buong sambahayan sa pagtuturo nila ng mga bagay na hindi nararapat, dahil sa masamang pakinabang. Sinabi ng isa sa kanila, ng isang propeta mismo nila, 'Ang mga taga-Creta ay laging mga sinungaling, masasamang hayop, mga batugang matatakaw.' Ang patotoong ito ay tunay. Dahil dito'y mahigpit mo silang sawayin upang maging malakas sila sa pananampalataya, na huwag makinig sa mga kathang-isip ng mga Judio, at sa mga utos ng mga tao na nagtatakuwil sa katotohanan. Sa malinis ang lahat ng mga bagay ay malinis; ngunit sa marurumi at hindi nananampalataya ay walang anumang malinis; kundi ang kanilang pag-iisip at budhi ay pawang pinarumi. Inaangkin nilang kilala nila ang Diyos; ngunit sa pamamagitan ng kanilang mga gawa, ay ikinakaila nila, palibhasa sila'y kasuklam-suklam, at mga masuwayin, at hindi naaangkop sa anumang gawang mabuti. Ngunit ikaw naman, magsalita ka ng mga bagay na angkop sa mahusay na aral. Ang matatandang lalaki ay dapat maging mapagpigil sa sarili, kagalang-galang, matino, malakas sa pananampalataya, sa pag-ibig, at sa pagtitiis. Sabihan mo rin ang matatandang babae na maging magalang sa kanilang asal, hindi mapanirang-puri, ni paalipin man sa alak; dapat silang magturo ng kabutihan, upang kanilang maturuan ang mga kabataang babae na ibigin ang kani-kanilang mga asawa, ibigin ang kanilang mga anak, maging matino, dalisay, masipag sa gawaing bahay, mabait, na nagpapasakop sa kani-kanilang asawa, upang huwag lapastanganin ang salita ng Diyos. Gayundin naman, himukin mo ang mga kabataang lalaki na maging matino sa pag-iisip. Sa lahat ng mga bagay ay ipakita mo ang iyong sarili na isang uliran sa mabubuting gawa; at sa iyong pagtuturo ay magpakita ka ng katapatan, pagiging kagalang-galang, wastong pananalita na hindi mapipintasan, upang ang kalaban ay mapahiya, na walang anumang masamang masasabi tungkol sa atin. Ang mga alipin ay magpasakop sa kanilang mga panginoon at magbigay ng kasiyahan sa lahat ng mga bagay, at huwag maging palasagot, ni huwag mangungupit, kundi magpakita ng lubos at tunay na katapatan, upang sa lahat ng bagay ay mapalamutian nila ang aral ng Diyos na ating Tagapagligtas. Sapagkat nagpakita ang biyaya ng Diyos, na nagdadala ng kaligtasan sa lahat ng tao, na nagtuturo sa atin na matapos itakuwil ang kasamaan, at mga makamundong pagnanasa, ay dapat tayong mamuhay nang may katinuan, matuwid at banal sa kasalukuyang panahon, habang hinihintay natin ang mapalad na pag-asa at ang pagpapakita ng kaluwalhatian ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Siya ang nagbigay ng kanyang sarili alang-alang sa atin, upang tayo'y matubos niya sa lahat ng mga kasamaan, at pakalinisin para sa kanyang sarili ang sambayanang pag-aari niya na masigasig sa mabubuting gawa. Ipahayag mo ang mga bagay na ito. Mangaral ka at sumaway na may buong kapamahalaan. Huwag mong hayaang hamakin ka ng sinuman. Ipaalala mo sa kanila na pasakop sa mga pinuno at sa mga may kapangyarihan, maging masunurin, maging handa sa bawat mabuting gawa, huwag magsalita ng masama tungkol sa kanino man, huwag makipag-away, maging maamo, at magpakita ng hinahon sa lahat ng mga tao. Sapagkat tayo rin naman noong dati ay mga hangal, mga suwail, mga nalinlang, mga alipin ng sari-saring pagnanasa at kalayawan, na namumuhay sa kasamaan at inggit; mga kasuklamsuklam at napopoot sa isa't isa. Ngunit nang mahayag ang kabutihan at kagandahang loob ng Diyos na ating Tagapagligtas, iniligtas niya tayo, hindi dahil sa mga gawa na ating ginawa sa katuwiran kundi ayon sa kanyang kahabagan, sa pamamagitan ng paghuhugas ng muling kapanganakan at ng pagbabago sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang Espiritung ito na kanyang ibinuhos nang sagana sa atin sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Tagapagligtas; upang, yamang inaring-ganap sa pamamagitan ng kanyang biyaya, tayo'y maging mga tagapagmana ayon sa pag-asa sa buhay na walang hanggan. Tapat ang salita, at nais kong igiit mo ang mga bagay na ito upang ang mga nananampalataya sa Diyos ay maging maingat na ilaan ang kanilang sarili sa mabubuting gawa. Ang mga bagay na ito ay pawang mabubuti at kapaki-pakinabang sa mga tao. Ngunit iwasan mo ang mga pagtatalo, at ang mga pagsasalaysay ng salinlahi, at ang mga alitan at pag-aaway tungkol sa kautusan, sapagkat ang mga ito ay walang pakinabang at walang katuturan. Ang taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, pagkatapos nang una at ikalawang pagsaway ay iwasan mo; yamang nalalaman mo na ang gayon ay baluktot at nagkakasala, na hinatulan niya ang kanyang sarili. Kapag isinugo ko sa iyo si Artemas o si Tiquico ay sikapin mong puntahan ako sa Nicopolis; sapagkat ipinasiya kong gugulin doon ang taglamig. Pagsikapan mong tulungan si Zenas na dalubhasa sa batas at si Apolos sa kanilang paglalakbay; tiyakin mong sila'y hindi kukulangin ng anuman. At nararapat na ang ating mga tao ay matutong magmalasakit sa mabubuting gawa para sa matitinding pangangailangan upang hindi sila mawalan ng bunga. Binabati ka ng lahat ng mga kasama ko. Batiin mo ang mga umiibig sa atin sa pananampalataya. Biyaya nawa ang sumainyong lahat. Si Pablo, bilanggo ni Cristo Jesus, at si kapatid na Timoteo, Kay Filemon na aming minamahal na kaibigan at kamanggagawa, at kay Apia na ating kapatid na babae, at kay Arquipo na kapwa namin kawal, at sa iglesya na nasa iyong bahay: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Lagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos kapag naaalala kita sa aking mga panalangin, sapagkat nabalitaan ko ang iyong pag-ibig para sa lahat ng mga banal at ang pananampalataya mo sa Panginoong Jesus. Idinadalangin ko na ang pamamahagi ng iyong pananampalataya ay maging mabisa kapag nalaman mo ang bawat mabuting bagay na maaari nating gawin para kay Cristo. Sapagkat ako'y totoong nagalak at naaliw sa iyong pag-ibig, sapagkat ang mga puso ng mga banal ay naginhawahan sa pamamagitan mo, kapatid ko. Dahil dito, bagama't kay Cristo ay mayroon akong sapat na lakas ng loob upang utusan kitang gawin ang kinakailangan, gayunma'y alang-alang sa pag-ibig ay nanaisin ko pang makiusap sa iyo — akong si Pablo ay matanda na, at ngayon ay isa ring bilanggo ni Cristo Jesus. Ako'y nakikiusap sa iyo para sa aking anak na si Onesimo na ako'y naging kanyang ama nang ako'y nasa bilangguan. Noon ay wala kang pakinabang sa kanya, ngunit ngayon ay kapaki-pakinabang siya sa iyo at sa akin. Siya'y aking pinababalik sa iyo, na kasama ang aking sariling puso. Nais kong manatili siyang kasama ko upang siya'y makatulong sa akin bilang kapalit mo sa panahon ng aking pagiging bilanggo para sa ebanghelyo. Ngunit ayaw kong gumawa ng anuman na wala kang pahintulot upang ang iyong kabutihang-loob ay hindi maging sapilitan kundi ayon sa sarili mong kalooban. Marahil ito ang dahilan kung bakit nahiwalay siya sa iyo nang ilang panahon, upang siya'y mapasaiyo magpakailanman; hindi na bilang alipin, kundi higit sa alipin, isang kapatid na minamahal, lalung-lalo na sa akin, at gaano pa kaya sa iyo, maging sa laman at gayundin sa Panginoon. Kaya't kung ako ay itinuturing mong kasama, tanggapin mo siya na parang ako. Ngunit kung siya'y nagkasala sa iyo ng anuman, o may anumang utang sa iyo, ay ibilang mong utang ko na rin. Akong si Pablo ay sumusulat nito sa pamamagitan ng aking sariling kamay: Ako ang magbabayad niyon. Hindi ko na ibig banggitin pa na utang mo sa akin pati ang iyong sarili. Oo, kapatid, hayaan mo ng magkaroon ako ng kapakinabangan na ito mula sa iyo sa Panginoon! Sariwain mo ang aking puso kay Cristo. Sinulatan kita na may pagtitiwala sa iyong pagsunod, yamang nalalaman ko na gagawin mo ang higit pa kaysa aking sinasabi. Isa pa, ipaghanda mo na rin ako ng matutuluyan, sapagkat umaasa ako na sa pamamagitan ng inyong mga panalangin ay maibabalik ako sa inyo. Binabati ka ni Epafras na aking kasamang bilanggo kay Cristo Jesus; gayundin nina Marcos, Aristarco, Demas, at ni Lucas na aking mga kamanggagawa. Ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay sumainyo nawang espiritu. Noong unang panahon, ang Diyos ay nagsalita sa ating mga ninuno sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta, subalit sa mga huling araw na ito ay nagsalita siya sa atin sa pamamagitan ng Anak, na kanyang itinalagang tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan din niya'y ginawa ang mga sanlibutan. Siya ang kaningningan ng kaluwalhatian ng Diyos at tunay na larawan ng kanyang likas, at kanyang inaalalayan ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang salita. Nang magawa na niya ang paglilinis ng mga kasalanan, siya ay umupo sa kanan ng Kamahalan sa kaitaasan, palibhasa'y naging higit na mataas kaysa mga anghel, palibhasa'y nagmana ng higit na marilag na pangalan kaysa kanila. Sapagkat kanino sa mga anghel sinabi ng Diyos kailanman, "Ikaw ay aking Anak, ako ngayon ay naging iyong Ama?" At muli, "Ako'y magiging kanyang Ama, at siya'y magiging aking Anak?" At muli, nang kanyang dinadala ang panganay sa daigdig ay sinasabi niya, "Sambahin siya ng lahat ng mga anghel ng Diyos." Tungkol sa mga anghel ay sinasabi niya, "Ginagawa niyang mga hangin ang mga anghel, at ang kanyang mga lingkod ay ningas ng apoy." Ngunit, tungkol naman sa Anak ay sinasabi niya, "Ang iyong trono, 0 Diyos, ay magpakailanman; at ang setro ng katuwiran ang siyang setro ng iyong kaharian. Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan ang kasamaan; kaya't ang Diyos, ang Diyos mo, ay binuhusan ka ng langis ng kagalakang higit pa sa iyong mga kasamahan." At, "Ikaw, Panginoon, nang pasimula'y inilagay mo ang saligan ng lupa, at ang mga langit ay mga gawa ng iyong mga kamay; sila'y mapaparam, subalit ikaw ay nananatili, at silang lahat ay malulumang gaya ng kasuotan; gaya ng isang balabal sila'y iyong ilululon, at gaya ng damit, sila ay mapapalitan. Ngunit ikaw ay ikaw pa rin, at ang iyong mga taon ay hindi magwawakas." Ngunit kanino sa mga anghel sinabi niya kailanman, "Maupo ka sa aking kanan, hanggang sa ang iyong mga kaaway ay gawin kong tuntungan ng iyong mga paa?" Hindi ba silang lahat ay mga espiritung nasa banal na gawain, na sinugo upang maglingkod sa kapakanan ng mga magmamana ng kaligtasan? Kaya't dapat nating pag-ukulan ng higit pang pansin ang mga bagay na ating narinig, baka tayo'y matangay na papalayo. Sapagkat kung ang salita na ipinahayag sa pamamagitan ng mga anghel ay may bisa, at ang bawat paglabag at pagsuway ay tumanggap ng kaukulang parusa, paano nga tayo makakatakas, kung ating pababayaan ang ganito kadakilang kaligtasan? Ito ay ipinahayag noong una sa pamamagitan ng Panginoon, at pinatunayan sa atin ng mga nakarinig sa kanya, na pawang pinatotohanan din ng Diyos sa pamamagitan ng mga tanda at ng mga kababalaghan at iba't ibang himala at ng mga kaloob ng Espiritu Santo, na ipinamahagi ayon sa kanyang kalooban. Sapagkat hindi ipinasakop ng Diyos sa mga anghel ang sanlibutang darating, na siya naming sinasabi, Ngunit may nagpatunay sa isang dako, na sinasabi, "Ano ang tao upang siya'y iyong alalahanin? O ang anak ng tao upang siya'y iyong pagmalasakitan? Siya'y ginawa mong mababa kaysa mga anghel nang sandaling panahon; siya'y pinutungan mo ng kaluwalhatian at ng karangalan, at siya'y inilagay mo sa ibabaw ng mga gawa ng iyong mga kamay. Ipinasakop mo ang lahat ng bagay sa ilalim ng kanyang mga paa." Nang masakop niya ang bawat bagay, wala siyang iniwan na hindi niya nasasakop. Ngunit ngayon ay hindi pa natin nakikitang nasasakop niya ang lahat ng mga bagay, kundi nakikita natin si Jesus, na sa sandaling panahon ay ginawang mababa kaysa mga anghel, na dahil sa pagdurusa ng kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan, upang sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ay maranasan niya ang kamatayan alang-alang sa lahat. Sapagkat nararapat na ang Diyos, na para sa kanya at sa pamamagitan niya ay nagkaroon ng lahat ng mga bagay, sa pagdadala ng maraming anak tungo sa kaluwalhatian, ay gawing sakdal ang tagapagtatag ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng mga pagdurusa. Sapagkat ang gumagawang banal at ang mga ginawang banal ay pawang nagmula sa isa. Dahil dito'y hindi nahihiya si Jesus na tawagin silang mga kapatid, na sinasabi, "Ipahahayag ko ang iyong pangalan sa aking mga kapatid, sa gitna ng kapulungan ay aawitan kita ng mga himno." At muli, "Ilalagak ko ang aking pagtitiwala sa kanya." At muli, "Narito ako at ang mga anak na ibinigay sa akin ng Diyos." Kaya, yamang ang mga anak ay nakibahagi sa laman at dugo, at siya man ay nakibahagi rin sa mga bagay na ito, upang sa pamamagitan ng kamatayan ay kanyang mapuksa ang may kapangyarihan sa kamatayan, samakatuwid ay ang diyablo, at mapalaya silang lahat na dahil sa takot sa kamatayan sa buong buhay nila ay nasa ilalim ng pagkaalipin. Sapagkat maliwanag na hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, kundi ang kabilang sa binhi ni Abraham. Kaya't kailangang siya ay maging kagaya ng kanyang mga kapatid sa lahat ng mga bagay, upang siya ay maging isang maawain at tapat na pinakapunong pari sa mga bagay na nauukol sa Diyos, upang gumawa ng handog na pantubos sa mga kasalanan ng mga tao. Palibhasa'y nagtiis siya sa pagkatukso, siya'y makasasaklolo sa mga tinutukso. Kaya, mga banal na kapatid, mga kabahagi sa makalangit na pagkatawag, isaalang-alang ninyo na si Jesus, ang Apostol at Pinakapunong Pari ng ating pagpapahayag, ay tapat sa nagtalaga sa kanya, gaya ni Moises na tapat sa buong sambahayan ng Diyos. Sapagkat siya ay itinuring na karapat-dapat sa higit na kaluwalhatian kaysa kay Moises, yamang ang nagtayo ng bahay ay may higit na karangalan kaysa bahay. Sapagkat ang bawat bahay ay may nagtayo, subalit ang nagtayo ng lahat ng mga bagay ay ang Diyos. At si Moises ay naging tapat sa buong sambahayan ng Diyos gaya ng isang lingkod, bilang patotoo sa mga bagay na sasabihin. Subalit si Cristo ay tapat sa bahay ng Diyos, bilang isang anak, at tayo ang bahay na iyon kung ating iingatang matibay hanggang sa katapusan ang ating pagtitiwala at pagmamalaki sa ating pag-asa. Kaya't gaya ng sinasabi ng Espiritu Santo, "Ngayon, kung marinig ninyo ang kanyang tinig, huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso gaya ng sa paghihimagsik, gaya ng sa araw ng pagsubok sa ilang, na doon ay sinubok ako ng inyong mga ninuno, bagaman nakita nila ang aking mga gawa sa loob ng apatnapung taon. Kaya't nagalit ako sa lahing ito, at aking sinabi, 'Sila'y laging naliligaw sa kanilang puso, at hindi nila nalaman ang aking mga daan.' Gaya ng sa aking galit ay aking isinumpa, 'Hindi sila papasok sa aking kapahingahan.'" Mga kapatid, mag-ingat kayo, na walang sinuman sa inyo ang may pusong masama at walang pananampalataya na naglalayo sa buhay na Diyos. Ngunit magpayuhan kayo sa isa't isa araw-araw, habang ito ay tinatawag na "ngayon," upang walang sinuman sa inyo ang papagmatigasin ng pagiging madaya ng kasalanan. Sapagkat tayo'y nagiging kabahagi ni Cristo kung ating hinahawakang matatag ang pasimula ng ating pagtitiwala hanggang sa katapusan. Gaya ng sinasabi, "Ngayon, kung marinig ninyo ang kanyang tinig, huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso, na gaya ng sa paghihimagsik." Sinu-sino ba sila na matapos makarinig ay naghimagsik? Hindi ba ang lahat ng umalis sa Ehipto sa pamamagitan ni Moises? Ngunit kanino siya galit ng apatnapung taon? Hindi ba sa mga nagkasala, na ang mga katawan ay nabuwal sa ilang? At kanino siya sumumpa na hindi sila makakapasok sa kanyang kapahingahan, kung hindi sa mga sumuway? Kaya't nakikita natin na sila'y hindi nakapasok dahil sa kawalan ng pananampalataya. Kaya't habang nananatiling bukas ang pangakong makapasok sa kanyang kapahingahan, mag-ingat tayo na baka sinuman sa inyo ay hindi makaabot doon. Sapagkat dumating sa atin ang magandang balita, gaya rin naman sa kanila, ngunit hindi nila pinakinabangan ang pangangaral na narinig nila, sapagkat hindi sila naging kalakip sa pamamagitan ng pananampalataya ng mga taong nakarinig. Sapagkat tayong sumasampalataya ay pumapasok sa kapahingahang iyon, gaya ng sinabi ng Diyos,'' "Gaya ng aking isinumpa sa aking pagkagalit, sila'y hindi papasok sa aking kapahingahan," bagama't ang mga gawa niya mula nang itatag ang sanlibutan ay natapos na. Sapagkat sa isang dako ay sinabi niya ang ganito tungkol sa ikapitong araw, "At nagpahinga ang Diyos nang ikapitong araw sa lahat ng kanyang mga gawa." At sa dakong ito ay muling sinabi, "Sila'y hindi papasok sa aking kapahingahan." Kaya't yamang nananatiling bukas para sa ilan upang makapasok doon, at ang mga pinangaralan ng magandang balita nang una ay hindi nakapasok dahil sa pagsuway, siya ay muling nagtakda ng isang araw, "Ngayon," na pagkatapos ng ilang panahon ay sinabi sa pamamagitan ni David, gaya ng sinabi noong una, "Ngayon, kung marinig ninyo ang kanyang tinig, huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso." Sapagkat kung sila ay nabigyan ni Josue ng kapahingahan, hindi na sana nagsalita ang Diyos tungkol sa ibang araw pagkatapos ng mga ito. Kaya't may natitira pang isang pamamahingang Sabbath para sa bayan ng Diyos. Sapagkat ang pumasok sa kanyang kapahingahan ay nagpahinga rin sa kanyang mga gawa, gaya ng Diyos sa kanyang mga gawa. Kaya't magsikap tayong pumasok sa kapahingahang iyon, upang huwag mabuwal ang sinuman sa pamamagitan ng gayong halimbawa ng pagsuway. Sapagkat ang salita ng Diyos ay buhay, mabisa, at higit na matalas kaysa alin mang tabak na may dalawang talim, at tumatagos hanggang sa pinaghihiwalayan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at ng utak sa buto, at may kakayahang kumilala ng mga pag-iisip at mga hangarin ng puso. At walang nilalang na nakukubli sa harapan niya, kundi ang lahat ng mga bagay ay hubad at hayag sa mga mata niya na ating pagsusulitan. Yamang tayo'y mayroong isang marangal at Pinakapunong Pari na pumasok sa kalangitan, si Jesus na Anak ng Diyos, ay hawakan nating matatag ang ating ipinahahayag. Sapagkat tayo'y mayroong isang Pinakapunong Pari na marunong makiramay sa ating mga kahinaan, isa na tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin, gayunma'y walang kasalanan. Kaya't lumapit tayong may katapangan sa trono ng biyaya, upang tayo'y tumanggap ng awa, at makatagpo ng biyaya na makakatulong sa panahon ng pangangailangan. Bawat pinakapunong pari na pinili mula sa mga tao ay pinangasiwa sa mga bagay na may kaugnayan sa Diyos, para sa kanilang kapakanan, upang siya'y makapaghandog ng mga kaloob at ng mga alay para sa mga kasalanan. Siya ay marunong makitungo na may kaamuan sa mga mangmang at naliligaw, yamang siya man ay napapaligiran ng kahinaan. Dahil dito, kailangang siya'y maghandog para sa kanyang sariling mga kasalanan, at gayundin para sa taong bayan. At sinuman ay hindi kumukuha ng karangalang ito para sa kanyang sarili, kundi siya ay tinatawag ng Diyos, na gaya ni Aaron. Maging si Cristo man ay hindi lumuwalhati sa kanyang sarili upang maging pinakapunong pari, kundi itinalaga ng nagsabi sa kanya, "Ikaw ay aking Anak, ako ngayon ay naging Ama mo." Gaya rin naman ng sinasabi niya sa ibang dako, "Ikaw ay pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquizedek." Sa mga araw ng kanyang buhay dito sa mundo,' si Jesus;' ay naghandog ng mga panalangin at mga pakiusap na may malakas na pagtangis at pagluha sa may kapangyarihang magligtas sa kanya mula sa kamatayan, at siya'y pinakinggan dahil sa kanyang magalang na pagpapasakop. Bagama't siya'y isang Anak, siya'y natuto ng pagsunod sa pamamagitan ng mga bagay na kanyang tiniis, at nang maging sakdal, siya ang naging pinagmulan ng walang hanggang kaligtasan ng lahat ng mga sumusunod sa kanya; yamang itinalaga ng Diyos bilang pinakapunong pari ayon sa pagkapari ni Melquizedek. Tungkol sa kanya'y marami kaming masasabi, at mahirap ipaliwanag, palibhasa'y naging mapurol na kayo sa pakikinig. Sapagkat bagaman sa panahong ito'y dapat na kayo'y mga guro na, kailangang muling may magturo sa inyo ng mga unang simulain ng aral ng Diyos. Kayo'y nangangailangan ng gatas, at hindi ng pagkaing matigas. Sapagkat bawat tumatanggap ng gatas ay walang alam sa salita ng katuwiran palibhasa'y isa siyang sanggol. Ngunit ang pagkaing matigas ay para sa mga nasa hustong gulang, na dahil sa pagsasagawa ay nasanay ang kanilang mga pandama na makilala ang pagkakaiba ng mabuti at masama. Kaya't iwan na natin ang mga unang simulain ng aral ni Cristo, at tayo'y magpatuloy sa kasakdalan, na huwag nating muling ilagay ang saligan ng pagsisisi mula sa mga patay na gawa at pananampalataya sa Diyos, ng aral tungkol sa mga bautismo, pagpapatong ng mga kamay, muling pagkabuhay ng mga patay, at ng walang hanggang paghuhukom. At ating gagawin ito, kung ipahihintulot ng Diyos. Sapagkat hindi mangyayari na ang mga dating naliwanagan na, at nakalasap ng kaloob ng kalangitan, at mga naging kabahagi ng Espiritu Santo, at nakalasap ng kabutihan ng salita ng Diyos, at ng mga kapangyarihan ng panahong darating, at pagkatapos ay tumalikod ay muling panumbalikin sa pagsisisi, yamang sa kanilang sarili ay muli nilang ipinapako sa krus ang Anak ng Diyos, at itinataas sa kahihiyan. Sapagkat ang lupang umiinom ng ulang madalas na pumapatak sa kanya, at tinutubuan ng mga halamang angkop doon na dahil sa kanila ito ay binungkal, ay tumatanggap ng pagpapalang mula sa Diyos. Subalit kung ito'y tinutubuan ng mga tinik at dawag, ito ay walang kabuluhan at malapit nang sumpain, at ang kanyang kahihinatnan ay ang pagkasunog. Ngunit, mga minamahal, kami ay lubos na naniniwala sa mga mabubuting bagay tungkol sa inyo, at sa mga bagay na may kinalaman sa kaligtasan, bagama't kami ay nagsasalita ng ganito. Sapagkat ang Diyos ay hindi masama; hindi niya kaliligtaan ang inyong gawa at ang pag-ibig na inyong ipinakita sa kanyang pangalan, sa inyong paglilingkod sa mga banal, gaya ng ginagawa ninyo ngayon. At nais namin na ang bawat isa sa inyo ay magpakita ng gayunding sigasig upang inyong malaman ang ganap na katiyakan ng pag-asa hanggang sa katapusan; upang kayo'y huwag maging mga tamad, kundi mga tagatulad kayo sa kanila na sa pamamagitan ng pananampalataya at ng pagtitiis ay nagmamana ng mga pangako. Nang mangako ang Diyos kay Abraham, palibhasa'y walang sinumang higit na dakila na kanyang panunumpaan, siya ay nanumpa sa kanyang sarili, na sinasabi, "Tiyak na pagpapalain at pararamihin kita." Kaya't si Abraham,'nang makapaghintay na may pagtitiis, ay tumanggap ng pangako. Nanunumpa ang mga tao sa harap ng higit na mataas sa kanila, at ang sumpang binitawan bilang katibayan ay nagwawakas ng bawat usapin. Gayundin naman, sa pagnanais ng Diyos na maipakita sa mga tagapagmana ng pangako na hindi maaaring mabago ang kanyang pasiya, pinagtibay niya ito sa pamamagitan ng isang sumpa; upang sa pamamagitan ng dalawang bagay na di mababago, na dito'y hindi maaaring magsinungaling ang Diyos, tayong nagtungo sa kanlungan ay magkaroon ng higit na katiyakang panghawakan ang pag-asang nakalagay sa harapan natin. Taglay natin ito bilang isang tiyak at matibay na angkla ng kaluluwa, isang pag-asa na pumapasok sa loob ng santuwaryo, sa kabila ng tabing, na doo'y naunang pumasok para sa atin si Jesus, na naging pinakapunong pari magpakailanman ayon sa pagkapari ni Melquizedek. Itong si Melquizedek, hari ng Salem, pari ng Kataas-taasang Diyos, ang siyang sumalubong kay Abraham sa pagbabalik niya galing sa paglipol sa mga hari at siya'y kanyang binasbasan, at sa kanya ay ibinahagi ni Abraham ang ikasampung bahagi ng lahat. Una, ang kahulugan ng kanyang pangalan ay hari ng katuwiran; ikalawa, siya rin ay hari ng Salem, na ang kahulugan ay hari ng kapayapaan. Walang ama, walang ina, walang talaan ng angkan, ni walang pasimula ng mga araw o katapusan ng buhay, subalit ginawang katulad ng Anak ng Diyos, siya ay nananatiling pari magpakailanman. Talagang napakadakila ang taong ito! Maging si Abraham na patriyarka ay nagbigay sa kanya ng ikasampung bahagi ng mga samsam. At ang mga anak ni Levi na tumanggap ng katungkulang pari ay mayroong utos ayon sa kautusan na maglikom ng ikasampung bahagi mula sa taong bayan, samakatuwid ay sa kanilang mga kapatid, bagaman ang mga ito ay mga nagmula sa balakang ni Abraham. Ngunit ang taong ito na hindi mula sa kanilang lahi ay tumanggap ng mga ikasampung bahagi mula kay Abraham, at binasbasan ang tumanggap ng mga pangako. Hindi mapapabulaanan na ang nakabababa ay binabasbasan ng nakatataas. At dito, ang mga taong may kamatayan ay tumatanggap ng ikasampung bahagi, subalit sa kabilang dako ay ang isa na pinatutunayang nabubuhay. Maaaring sabihin na maging si Levi, na siyang tumatanggap ng mga ikasampung bahagi ay nagbayad ng ikasampung bahagi sa pamamagitan ni Abraham, sapagkat siya'y nasa mga balakang pa ng kanyang ninuno nang siya'y salubungin ni Melquizedek. Ngayon, kung may kasakdalan sa pamamagitan ng pagkapari ng mga Levita, (sapagkat batay dito ay tinanggap ng bayan ang kautusan), ano pa ang karagdagang pangangailangan upang lumitaw ang isa pang pari, ayon sa pagkapari ni Melquizedek, sa halip na ayon sa pagkapari ni Aaron? Sapagkat nang palitan ang pagkapari ay kailangan din namang palitan ang kautusan. Sapagkat ang tinutukoy ng mga bagay na ito ay kabilang sa ibang angkan, na doon ang sinuma'y hindi naglingkod sa dambana. Sapagkat maliwanag na ang ating Panginoon ay nagmula sa Juda at tungkol sa liping iyon ay walang sinabing anuman si Moises tungkol sa mga pari. At ito ay lalo pang naging maliwanag nang lumitaw ang ibang pari, na kagaya ni Melquizedek, na naging pari, hindi ayon sa itinatakda ng batas na ukol sa laman, kundi ayon sa kapangyarihan ng isang buhay na hindi mapupuksa. Sapagkat pinatotohanan, "Ikaw ay pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquizedek." Sa kabilang dako, mayroong pagpapawalang-bisa sa naunang utos, sapagkat ito ay mahina at walang pakinabang (sapagkat ang kautusan ay walang pinasasakdal), sa gayon ay ipinapakilala ang isang higit na mabuting pag-asa, na sa pamamagitan nito ay lumalapit tayo sa Diyos. At iyon ay mayroong panunumpa. Yaong nang una ay naging pari ay nagsimula sa kanilang katungkulan na walang panunumpa, ngunit ang isang ito ay naging pari na may panunumpa, "Nanumpa ang Panginoon at hindi siya magbabago ng kanyang isip, 'Ikaw ay pari magpakailanman.'" Sa gayon, si Jesus ay naging tagapanagot ng isang higit na mabuting tipan. Marami sa bilang ang dating mga pari, sapagkat sila'y hinadlangan ng kamatayan upang makapagpatuloy sa panunungkulan. Subalit hawak niya ang pagiging pari magpakailanman, sapagkat siya ay nagpapatuloy magpakailanman. Dahil dito, siya'y may kakayahang iligtas nang lubos ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, yamang lagi siyang nabubuhay upang mamagitan para sa kanila. Sapagkat nararapat na tayo'y magkaroon ng gayong Pinakapunong Pari, banal, walang sala, walang dungis, hiwalay sa mga makasalanan, at ginawang lalong mataas kaysa mga langit. Hindi gaya ng ibang mga pinakapunong pari, hindi niya kailangang maghandog ng alay araw-araw, una para sa kanyang sariling mga kasalanan, at saka para sa mga kasalanan ng bayan; ito'y ginawa niyang minsan magpakailanman nang kanyang ihandog ang kanyang sarili. Sapagkat hinihirang ng kautusan bilang mga pinakapunong pari ang mga taong may kahinaan, ngunit ang salita ng panunumpa na dumating na kasunod ng kautusan ay humirang sa Anak na ginawang sakdal magpakailanman. Ngayon, ang pangunahing bagay na aming sinasabi ay ito: Mayroon tayong gayong Pinakapunong Pari na nakaupo sa kanan ng trono ng Kamahalan sa kalangitan, isang ministro sa santuwaryo at sa tunay na tabernakulo na itinayo ng Panginoon, hindi ng tao. Sapagkat itinalaga ang bawat pinakapunong pari upang maghandog ng mga kaloob at ng mga alay. Kaya't kailangan din namang siya'y magkaroon ng kanyang ihahandog. Kaya't kung siya'y nasa lupa, hindi siya maaaring maging pari, sapagkat mayroon nang mga paring naghandog ng mga kaloob ayon sa kautusan. Sila'y naglilingkod sa anyo at anino ng makalangit na santuwaryo; sapagkat si Moises ay binalaan ng Diyos nang malapit na niyang itayo ang tabernakulo, "Tiyakin mo na iyong gagawin ang lahat ng mga bagay ayon sa huwarang ipinakita sa iyo sa bundok." Subalit ngayo'y nagtamo si Cristo ng ministeryong higit na marangal, yamang siya'y tagapamagitan sa isang higit na mabuting tipan na pinagtibay sa higit na mabubuting pangako. Sapagkat kung ang unang tipang iyon ay walang kapintasan, hindi na sana kailangang humanap pa ng pangalawa. Sapagkat nang makakita ang Diyos ng kapintasan sa kanila, ay sinabi niya, "Ang mga araw ay tiyak na darating, sabi ng Panginoon, na ako'y gagawa ng isang bagong tipan sa sambahayan ni Israel at sa sambahayan ni Juda, hindi ayon sa tipang aking ginawa sa kanilang mga ninuno, nang araw na hawakan ko sila sa kamay, upang sila'y ihatid papalabas sa lupain ng Ehipto, sapagkat sila'y hindi nagpatuloy sa aking tipan, kaya't ako'y hindi nagmalasakit sa kanila, sabi ng Panginoon. Ito ang tipang aking gagawin sa sambahayan ni Israel pagkatapos ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon: ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang pag-iisip, at isusulat ko ang mga iyon sa kanilang mga puso, at ako'y magiging Diyos nila, at sila'y magiging bayan ko. At hindi magtuturo ang bawat isa sa kanila sa kanyang kababayan, o magsasabi ang bawat isa sa kanyang kapatid, 'Kilalanin mo ang Panginoon,' sapagkat ako'y makikilala nilang lahat, mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila sa kanila. Sapagkat ako'y magiging mahabagin sa kanilang mga kasamaan, at ang kanilang mga kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa." Sa pagsasalita tungkol sa "bagong tipan," ginawa niyang lipas na ang una. At ang ginawang lipas na at tumatanda ay malapit ng maglaho. Ngayon, maging ang unang tipan ay nagkaroon ng mga alituntunin sa pagsamba at ng isang panlupang santuwaryo. Sapagkat inihanda ang unang tabernakulo na kinaroroonan ng ilawan, dulang, at ng mga tinapay na handog; ito ay tinatawag na Dakong Banal. Sa likod ng ikalawang tabing ay ang tabernakulo na tinatawag na Dakong Kabanal-banalan. Dito ay nakatayo ang isang gintong dambana ng insenso at ang kaban ng tipan na ang paligid ay nababalutan ng ginto, na siyang kinaroroonan ng sisidlang ginto na kinalalagyan ng manna at ng tungkod ni Aaron na namulaklak, at ang mga tapyas na bato ng tipan. Sa ibabaw nito ay ang mga kerubin ng kaluwalhatian na lumililim sa trono ng awa. Ang mga bagay na ito ay hindi namin masasabi ngayon ng isa-isa. Pagkatapos magawa ang ganitong pagkahanda, ang mga pari ay patuloy na pumapasok sa unang tabernakulo upang gawin ang kanilang katungkulan sa paglilingkod; subalit sa ikalawa ay nag-iisang pumapasok ang pinakapunong pari, minsan sa isang taon, na may dalang dugo bilang handog niya para sa kanyang sarili at sa mga kasalanang nagawa nang di sinasadya ng taong bayan. Sa pamamagitan nito, itinuturo ng Espiritu Santo na hindi pa naihahayag ang daan patungo sa santuwaryo, habang nakatayo pa ang unang tabernakulo. Iyon ay isang sagisag ng panahong kasalukuyan, na sa panahong yaon ang mga kaloob at ang mga alay na inihahandog ay hindi makapagpapasakdal sa budhi ng sumasamba, kundi tungkol lamang sa mga pagkain at mga inumin at iba't ibang paghuhugas, na mga alituntunin tungkol sa katawan na ipinatutupad hanggang sa ang panahon ay dumating upang maisaayos ang mga bagay. Ngunit nang dumating si Cristo na Pinakapunong Pari ng mabubuting bagay na darating, ng sa pamamagitan ng lalong dakila at lalong sakdal na tabernakulo na hindi gawa ng mga kamay ng tao, samakatuwid ay hindi sa sangnilikhang ito, at hindi rin sa pamamagitan ng dugo ng mga kambing at mga toro, kundi sa pamamagitan ng kanyang sariling dugo, siya ay pumasok na minsan magpakailanman sa Dakong Banal, sa gayo'y tinitiyak ang walang hanggang katubusan. Sapagkat kung ang dugo ng mga kambing at ng mga toro, at ang abo ng dumalagang baka na iwiniwisik sa mga nadungisan ay makapagpapabanal sa ikalilinis ng laman, gaano pa kaya ang dugo ni Cristo, na sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu ay inihandog ang kanyang sarili na walang dungis sa Diyos, ay maglilinis ng ating budhi mula sa mga gawang patay upang maglingkod sa Diyos na buhay? Kayat siya ang tagapamagitan ng isang bagong tipan, upang ang mga tinawag ay tumanggap ng pangako na pamanang buhay na walang hanggan. Yamang naganap ang isang kamatayan na tumutubos sa kanila mula sa mga pagsalangsang sa ilalim ng unang tipan. Sapagkat kung saan mayroong tipan, ang kamatayan ng gumawa niyon ay dapat matiyak. Sapagkat ang isang tipan ay pinagtitibay sa kamatayan, yamang ito'y walang bisa habang nabubuhay pa ang gumawa ng tipan. Kaya't maging ang unang tipan ay hindi pinagtibay ng walang dugo. Sapagkat nang sabihin ni Moises ang bawat utos sa buong bayan ayon sa kautusan, kumuha siya ng dugo ng baka at ng mga kambing, na may tubig at mapulang balahibo at isopo, at winisikan niya ang aklat at gayundin ang buong bayan, na sinasabi, "Ito ang dugo ng tipan na iniutos ng Diyos sa inyo." Sa gayunding paraan, ang tabernakulo at ang lahat ng mga kasangkapang ginagamit sa banal na pagsamba ay pinagwiwisikan niya ng dugo. Sa katunayan, sa ilalim ng kautusan, halos lahat ng mga bagay ay nililinis ng dugo, at kung walang pagdanak ng dugo ay walang kapatawaran ng mga kasalanan. Kaya't kailangan na ang mga sinipi mula sa mga bagay sa kalangitan ay linisin ng mga ito, ngunit ang mga bagay sa sangkalangitan ay sa pamamagitan ng higit na mabubuting handog kaysa mga ito. Sapagkat si Cristo ay hindi pumasok sa santuwaryo na ginawa ng mga kamay ng tao na mga kahalintulad lamang ng mga tunay na bagay, kundi sa mismong langit, upang dumulog ngayon sa harapan ng Diyos para sa atin. Hindi upang ihandog na paulit-ulit ang kanyang sarili, gaya ng pinakapunong pari na pumapasok sa Dakong Banal taun-taon na may dalang dugo na hindi mula sa kanya, sapagkat kung gayon ay kailangan siyang paulit-ulit na maghirap mula pa nang lalangin ang sanlibutan. Subalit ngayon, minsanan siyang nahayag sa katapusan ng panahon para sa pag-aalis ng mga kasalanan sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang sarili. At yamang itinakda sa mga tao ang mamatay na minsan, at pagkatapos nito ay ang paghuhukom, ay gayundin naman si Cristo, na inihandog na minsan upang dalhin ang mga kasalanan ng marami, ay magpapakita sa ikalawang pagkakataon, hindi upang harapin ang kasalanan, kundi upang iligtas ang mga sabik na naghihintay sa kanya. Yamang ang kautusan ay anino lamang ng mabubuting bagay na darating, at hindi ang tunay na larawan ng mga bagay na ito, kailanman ay hindi nito mapapasakdal ang mga lumalapit sa pamamagitan ng gayunding mga alay na laging inihahandog taun-taon. Sapagkat kung di gayon, hindi ba sana ay itinigil nang ihandog ang mga iyon? Kung ang mga sumasamba na nalinis nang minsan, sana ay hindi na sila nagkaroon pa ng kamalayan sa kasalanan. Ngunit sa pamamagitan ng mga handog na ito ay may pagpapaalala ng mga kasalanan taun-taon. Sapagkat hindi maaaring mangyari na ang dugo ng mga toro at ng mga kambing ay makapag-alis ng mga kasalanan. Kaya't pagdating ni Cristo sa sanlibutan ay sinabi niya, "Hindi mo nais ang alay at handog, ngunit ipinaghanda mo ako ng isang katawan; sa mga handog na sinusunog at sa mga handog para sa mga kasalanan ay hindi ka nalugod. Kaya't sinabi ko, 'Narito, ako'y dumating upang gawin ang iyong kalooban, O Diyos,' sa balumbon ng aklat ay nasusulat tungkol sa akin." Nang sabihin niya sa itaas na, "Hindi mo ibig at hindi mo rin kinalugdan ang alay at mga handog, at mga buong handog na sinusunog at mga alay para sa kasalanan" na inihahandog ayon sa kautusan, pagkatapos ay idinagdag niya, "Narito, ako'y dumating upang gawin ang iyong kalooban." Inalis niya ang una, upang maitatag ang ikalawa, at sa pamamagitan ng kalooban niya tayo'y ginawang banal sa pamamagitan ng pag-aalay ng katawan ni Cristo minsan magpakailanman. At bawat pari ay tumatayo araw-araw na naglilingkod at paulit-ulit na nag-aalay ng gayunding mga handog na kailanman ay hindi nakapag-aalis ng mga kasalanan. Ngunit nang makapaghandog si Cristo ng isa lamang alay para sa mga kasalanan para sa lahat ng panahon, siya ay umupo sa kanan ng Diyos, at buhat noon ay naghihintay hanggang sa ang kanyang mga kaaway ay maging tuntungan ng kanyang mga paa. Sapagkat sa pamamagitan ng isang pag-aalay ay kanyang pinasakdal para sa lahat ng panahon ang mga pinababanal. At ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo rin sa atin, sapagkat pagkatapos niyang sabihin, "Ito ang tipan na aking gagawin sa kanila, pagkatapos ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon; ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang mga puso, at isusulat ko ang mga iyon sa kanilang pagiisip," sinabi rin niya, "At ang kanilang mga kasalanan at mga kasamaan ay hindi ko na aalalahanin pa." Kung saan may kapatawaran ng mga ito, ay wala ng pag-aalay para sa kasalanan. Kaya, mga kapatid, yamang mayroon tayong pagtitiwala na pumasok sa santuwaryo sa pamamagitan ng dugo ni Jesus, na kanyang binuksan para sa atin ang isang bago at buhay na daan, sa pamamagitan ng tabing, samakatuwid ay sa kanyang laman, at yamang mayroon tayong isang pinakapunong pari sa bahay ng Diyos, tayo'y lumapit na may tapat na puso sa lubos na katiyakan ng pananampalataya, na ang mga puso ay winisikang malinis mula sa isang masamang budhi at nahugasan ang ating katawan ng dalisay na tubig. Panghawakan nating matatag ang pagpapahayag ng ating pag-asa nang walang pag-aalinlangan, sapagkat siya na nangako ay tapat. At ating isaalang-alang kung papaano gigisingin ang isa't isa sa pag-ibig at sa mabubuting gawa, na huwag nating pabayaan ang ating pagtitipon, gaya ng ugali ng iba, kundi palakasin ang loob ng isa't isa, lalung-lalo na kapag inyong nakikita na papalapit na ang Araw. Sapagkat kung sinasadya nating magkasala, matapos nating tanggapin ang lubos na pagkakilala sa katotohanan, ay wala ng natitira pang alay para sa mga kasalanan, kundi isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang naglalagablab na apoy na tutupok sa mga kaaway. Ang sumuway sa kautusan ni Moises, sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi, ay walang awang namamatay. Gaano pa kayang higpit na parusa sa akala ninyo, ang nararapat sa kanila na yumurak sa Anak ng Diyos at lumapastangan sa dugo ng tipan na nagpabanal sa kanila, at umalipusta sa Espiritu ng biyaya? Sapagkat kilala natin ang nagsabi, "Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti." At muli, "Huhukuman ng Panginoon ang kanyang bayan." Isang kakilakilabot na bagay ang mahulog sa mga kamay ng Diyos na buhay. Subalit alalahanin ninyo ang mga nakaraang araw, na pagkatapos na kayo'y maliwanagan, ay nagtiis kayo ng matinding pakikipaglaban na may pagdurusa, na kung minsan ay hayagang inilalantad sa pag-alipusta at pag-uusig, at kung minsan ay nagiging mga kabahagi ng mga nagdaranas ng gayon. Sapagkat kayo'y nahabag sa mga bilanggo, at tinanggap ninyo nang buong galak ang pagkasamsam sa inyong mga ari-arian, palibhasa'y inyong nalalamang mayroon kayong isang pag-aaring higit na mabuti at tumatagal. Kaya't huwag ninyong itakuwil ang inyong pagtitiwala na may dakilang gantimpala. Sapagkat kailangan ninyo ng pagtitiis, upang kapag inyong nagampanan ang kalooban ng Diyos ay tanggapin ninyo ang pangako. Sapagkat "sa sandaling panahon, ang siyang dumarating ay darating, at hindi maaantala. Ngunit ang aking matuwid na lingkod ay mabubuhay sa pananampalataya. Ngunit kung siya'y tumalikod, ang aking kaluluwa ay hindi malulugod sa kanya." Ngunit tayo'y hindi kabilang sa mga umuurong kaya't sila'y napapahamak, kundi kabilang sa mga may pananampalataya kaya't naliligtas. Ngayon, ang pananampalataya ay ang katiyakan sa mga bagay na inaasahan, ang paninindigan sa mga bagay na hindi nakikita. Tunay na sa pamamagitan nito ang mga tao noong una ay tumanggap ng patotoo. Sa pananampalataya ay nauunawaan natin na ang mga sanlibutan ay nilikha sa pamamagitan ng salita ng Diyos, anupa't ang mga bagay na nakikita ay nagmula sa mga bagay na hindi nakikita. Sa pananampalataya si Abel ay nag-alay sa Diyos ng higit na dakilang handog kaysa kay Cain. Sa pamamagitan nito siya'y pinuri bilang matuwid at ang Diyos ang nagpapatotoo sa pamamagitan ng pagtanggap sa kanyang mga kaloob. Patay na siya, gayunma'y nagsasalita pa sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya. Sa pananampalataya si Enoc ay dinalang paitaas anupa't hindi na niya naranasan ang kamatayan. "Hindi na siya natagpuan, sapagkat siya'y kinuha ng Diyos." Sapagkat bago siya dinalang paitaas, pinatotohanan na ang Diyos ay nalugod sa kanya. At kung walang pananampalataya ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos, sapagkat ang sinumang lumalapit sa kanya ay dapat sumampalatayang may Diyos at siya ang tagapagbigay gantimpala sa mga masigasig na humahanap sa kanya. Sa pananampalataya si Noe, nang mabigyan ng Diyos ng babala tungkol sa mga bagay na hindi pa nakikita, ay pinakinggan ang babala at gumawa ng isang daong para sa kaligtasan ng kanyang sambahayan. Sa pamamagitan nito ay hinatulan niya ang sanlibutan, at siya'y naging tagapagmana ng katuwirang ayon sa pananampalataya. Sa pananampalataya si Abraham, nang tawagin, ay sumunod upang pumunta sa isang lugar na kanyang tatanggapin bilang pamana; at siya'y pumunta na hindi nalalaman ang kanyang pupuntahan. Sa pananampalataya siya'y dumayo sa lupang pangako na tulad ng sa ibang lupain, at nanirahan sa mga tolda na kasama sina Isaac at Jacob, na kapwa mga tagapagmana ng gayunding pangako. Sapagkat siya'y umaasa sa lunsod na may mga kinasasaligan, na ang nagplano at nagtayo ay ang Diyos. Sa pananampalataya, maging si Sarah na isang baog ay tumanggap ng kakayahang magkaanak, bagaman lipas na sa tamang gulang, palibhasa'y itinuring niyang tapat ang nangako. Kaya't mula naman sa isang lalaki na parang patay na, ay isinilang ang mga inapo na kasingdami ng mga bituin sa langit, at gaya ng di mabilang na mga buhangin sa tabi ng dagat. Ang lahat ng mga ito ay namatay sa pananampalataya na hindi tinanggap ang mga pangako, ngunit mula sa malayo ang mga iyon ay kanilang natanaw at binati. Kanilang ipinahayag na sila'y pawang mga dayuhan at manlalakbay sa ibabaw ng lupa, sapagkat ang mga nagsasabi ng gayong mga bagay ay nagpapakilalang sila ay naghahanap ng sariling bayan. Kung kanilang naalala ang kanilang pinanggalingan, nagkaroon sana sila ng pagkakataong makabalik. Ngunit sila ay nagnanais ng isang higit na mabuting lupain, samakatuwid ay ang makalangit. Kaya't ang Diyos ay hindi nahihiyang tawaging Diyos nila, sapagkat kanyang ipinaghanda sila ng isang lunsod. Sa pamamagitan ng pananampalataya, nang subukin si Abraham, ay kanyang inihandog si Isaac. Siya na tumanggap ng mga pangako ay handang maghandog ng kanyang bugtong na anak, na tungkol sa kanya ay sinabi, "Kay Isaac ay tatawagin ang iyong binhi." Itinuring niya na maging mula sa mga patay ay maaaring buhayin ng Diyos ang isang tao, at sa matalinghagang pananalita, siya'y muli niyang tinanggap. Sa pananampalataya, binasbasan ni Isaac sina Jacob at Esau tungkol sa mga bagay na mangyayari. Sa pananampalataya, si Jacob nang mamamatay na ay binasbasan niya ang bawat isa sa mga anak ni Jose, at sumamba sa ibabaw ng kanyang tungkod. Sa pananampalataya, nang malapit nang mamatay si Jose ay binanggit niya ang tungkol sa paglikas ng mga Israelita, at nagbilin tungkol sa kanyang mga buto. Sa pananampalataya, nang ipanganak si Moises ay itinago siya ng tatlong buwan ng kanyang mga magulang, sapagkat kanilang nakitang maganda ang bata, at hindi sila natakot sa utos ng hari. Sa pananampalataya, nang nasa hustong gulang na si Moises ay tumangging siya'y tawaging anak ng anak na babae ni Faraon, na pinili pa ang mapasama sa kaapihan ng bayan ng Diyos, kaysa magkaroon ng pansamantalang kasiyahan ng kasalanan. Kanyang itinuring na malaking kayamanan ang magdusa alang-alang kay Cristo, kaysa sa mga kayamanan ng Ehipto, sapagkat kanyang pinagtutuunan ng pansin ang gantimpala. Sa pananampalataya ay iniwan niya ang Ehipto, at hindi natakot sa poot ng hari, sapagkat siya ay matiyagang nagpatuloy na tulad sa nakakakita sa kanya na hindi nakikita. Sa pananampalataya'y itinatag niya ang paskuwa at ang pagwiwisik ng dugo, upang huwag silang galawin ng Mamumuksa ng mga panganay. Sa pananampalataya'y tinahak nila ang Dagat na Pula na tulad sa tuyong lupa, ngunit nang tangkaing gawin ito ng mga Ehipcio ay nalunod sila. Sa pananampalataya'y gumuho ang pader ng Jerico, pagkatapos na malibot sa loob ng pitong araw. Sa pananampalataya si Rahab, na nagbibili ng aliw, ay hindi napahamak na kasama ng mga sumuway, sapagkat payapa niyang tinanggap ang mga espiya. At ano pa ang dapat kong sabihin? Sapagkat kukulangin ako ng panahon kung isasalaysay ko pa ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jefta, David, Samuel, at sa mga propeta; na ang mga ito, sa pamamagitan ng pananampalataya'y lumupig ng mga kaharian, naglapat ng katarungan, nagtamo ng mga pangako, nagpatikom ng mga bibig ng mga leon, pumatay ng bisa ng apoy, tumakas sa mga talim ng tabak, lumakas mula sa kahinaan, naging makapangyarihan sa digmaan, nagpaurong ng mga hukbong dayuhan. Tinanggap ng mga babae ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay na muli. Ang iba'y pinahirapan at tumangging tumanggap ng paglaya upang makamit nila ang higit na mabuting pagkabuhay na muli. Ang iba'y nagtiis ng pagkalibak at paghagupit, at maging ng mga tanikala at pagkabilanggo. Sila'y pinagbabato hanggang mamatay, nilagari, pinagpapatay sa tabak, sila'y naglibot na may suot na balat ng mga tupa at kambing, mga naghihirap, pinag-uusig, inaapi (na sa mga iyon ay hindi karapat-dapat ang sanlibutan). Sila'y nagpalaboy-laboy sa mga ilang, sa mga kabundukan, sa mga yungib, at sa mga lungga sa lupa. At ang lahat ng mga ito, bagaman pinuri dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi nila tinanggap ang ipinangako, yamang naghanda ang Diyos ng lalong mabuting bagay para sa atin, upang huwag silang gawing sakdal na hiwalay sa atin. Kaya't yamang napapalibutan tayo ng gayong kakapal na bilang ng mga saksi, itabi natin ang bawat pabigat at ang pagkakasalang madaling bumibitag sa atin, at tumakbo tayong may pagtitiis sa takbuhing inilagay sa harapan natin. Pagmasdan natin si Jesus na siyang nagtatag at nagpasakdal ng ating pananampalataya, na dahil sa kagalakang inilagay sa kanyang harapan ay tiniis niya ang krus, hindi inalintana ang kahihiyan, at siya'y umupo sa kanan ng trono ng Diyos. Isaalang-alang ninyo siya na nagtiis ng gayong pagsalungat ng mga makasalanan laban sa kanyang sarili, upang kayo'y huwag manghina o manlupaypay. Sa inyong pakikipaglaban sa kasalanan, hindi pa kayo humantong sa pagdanak ng inyong dugo. At nakalimutan na ninyo ang pangaral na sinasabi niya sa inyo bilang mga anak, "Anak ko, huwag mong ipagwalang-bahala ang disiplina ng Panginoon; huwag kang manlupaypay kung ikaw ay sinasaway niya; sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang kanyang minamahal, at pinarurusahan ang bawat itinuturing na anak." Magtiis kayo alang-alang sa disiplina. Kayo ay pinapakitunguhan ng Diyos bilang mga anak, sapagkat ano ngang anak ang hindi dinidisiplina ng ama? Ngunit kung kayo ay hindi dinidisiplina, na siyang naranasan ng lahat, kung gayon kayo'y mga anak sa labas, at hindi mga tunay na anak. Bukod dito, tayo'y nagkaroon ng mga ama sa laman upang tayo'y disiplinahin, at sila'y ating iginagalang. Hindi ba dapat na tayo'y lalong pasakop sa Ama ng mga espiritu upang tayo'y mabuhay? Sapagkat tayo'y kanilang dinidisiplina nang maikling panahon ayon sa kanilang minamabuti, ngunit dinidisiplina niya tayo alang-alang sa ikabubuti natin, upang tayo'y makabahagi sa kanyang kabanalan. Subalit ang lahat ng disiplina sa kasalukuyan ay tila hindi kanais-nais kundi masakit, subalit sa hinaharap ay magdudulot ng mapayapang bunga ng katuwiran sa mga nasanay sa pamamagitan nito. Kaya't itaas ninyo ang mga kamay na nanghihina at muling palakasin ang mga tuhod na nanlulupaypay, at gumawa kayo ng matuwid na landas para sa inyong mga paa, upang huwag malinsad ang pilay, kundi bagkus ay gumaling. Pagsikapan ninyong magkaroon ng kapayapaan sa lahat at ng kabanalan na kung wala nito'y walang sinumang makakakita sa Panginoon. Pakaingatan ninyo na baka ang sinuma'y mahulog mula sa biyaya ng Diyos; baka may ilang ugat ng kapaitan ang sumibol at bumagabag sa inyo at mahawa nito ang marami. Tiyakin ninyong walang sinuman sa inyo na maging gaya ni Esau na mapakiapid, o lapastangan, na kapalit ng isang pinggang pagkain ay ipinagbili ang kanyang sariling pagkapanganay. Nalalaman ninyo na pagkatapos, nang nais niyang magmana ng pagpapala, siya'y itinakuwil sapagkat wala na siyang natagpuang pagkakataon upang magsisi, bagama't pinagsikapan niya iyon na may pagluha. Sapagkat hindi pa kayo lumapit sa bundok na nahihipo, sa apoy na nagliliyab, sa kadiliman, sa kapanglawan, at sa unos, sa tunog ng trumpeta, at sa tunog ng mga salita na ang nakarinig ay nakiusap na huwag nang magsalita pa sa kanila ng anuman. Sapagkat hindi nila matiis ang iniuutos na, "Maging isang hayop man ang tumuntong sa bundok ay pagbababatuhin." At kakilakilabot ang nakikita kaya't sinabi ni Moises, "Ako'y natatakot at nanginginig." Subalit kayo'y lumapit sa Bundok ng Zion, at sa lunsod ng Diyos na buhay, sa makalangit na Jerusalem, at sa mga di mabilang na mga anghel, sa isang masayang pagtitipon, at sa kapulungan ng mga panganay na nakatala sa langit, at sa Diyos na Hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga matuwid na pinasakdal, at kay Jesus na tagapamagitan ng bagong tipan, at sa dugong iwinisik na nagsasalita ng lalong mabuti kaysa dugo ni Abel. Pag-ingatan ninyong huwag itakuwil ang nagsasalita; sapagkat kung hindi nakatakas ang mga nagtakuwil sa nagbabala sa kanila sa lupa, lalo pa tayo kung tatalikuran natin ang nagbabala buhat sa langit! Sa pagkakataong iyon niyanig ng kanyang tinig ang lupa. Subalit ngayo'y nangako siya na sinasabi, "Minsan pang yayanigin ko, hindi lamang ang lupa, kundi pati ang langit." Ngayon ang salitang, "Minsan pa," ay nagpapahiwatig ng pag-aalis ng mga bagay na niyanig, gaya ng mga bagay na ginawa, upang manatili ang mga bagay na hindi nayayanig. Kaya't yamang tinanggap natin ang isang kahariang hindi mayayanig, magkaroon tayo ng biyaya na sa pamamagitan nito ay makapaghahandog tayo sa Diyos ng kalugud-lugod na paglilingkod, na may paggalang at takot, sapagkat ang Diyos natin ay isang apoy na tumutupok. Ipagpatuloy ninyo ang pag-iibigang magkakapatid. Huwag ninyong kalimutan ang magpatuloy ng mga dayuhan, sapagkat sa paggawa nito ang iba ay nakapagpatuloy na ng mga anghel nang hindi nila namamalayan. Alalahanin ninyo ang mga bilanggo na parang kayo'y nakabilanggong kasama nila; ang mga inaapi na parang kayo na rin sa katawan. Maging marangal sa lahat ang pag-aasawa, at huwag dungisan ang higaan, sapagkat ang mga nakikiapid at ang mga mangangalunya ay hahatulan ng Diyos. Umiwas kayo sa pag-ibig sa salapi at kayo'y masiyahan na kung anong mayroon kayo, sapagkat sinabi niya, "Sa anumang paraan ay hindi kita iiwan, o pababayaan man." Kaya't panatag nating masasabi, "Ang Panginoon ang aking katulong; hindi ako matatakot: Anong magagawa sa akin ng tao?" Alalahanin ninyo ang mga namumuno sa inyo, silang nagsalita sa inyo ng salita ng Diyos; tingnan ninyo ang kinalabasan ng kanilang pamumuhay, tularan ninyo ang kanilang pananampalataya. Si Jesu-Cristo ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman. Huwag kayong padala sa sari-sari at kakaibang mga turo, sapagkat mabuti na ang puso ay patibayin ng biyaya; hindi sa pamamagitan ng mga pagkain, na di pinakinabangan ng mga tumupad ng mga iyon. Tayo ay may isang dambana, na kung saan ang mga naglilingkod sa tabernakulo ay walang karapatang kumain. Sapagkat ang katawan ng mga hayop na ang mga dugo'y dinadala ng pinakapunong pari sa santuwaryo para sa kasalanan ay sinusunog sa labas ng kampo. Kaya si Jesus man ay nagdusa sa labas ng pintuan ng lunsod upang gawing banal ang mga tao sa pamamagitan ng kanyang sariling dugo. Kaya't puntahan natin siya sa labas ng kampo na dala ang kanyang kahihiyan. Sapagkat dito'y wala tayong lunsod na magtatagal, ngunit hinahanap natin ang lunsod na darating. Kaya't sa pamamagitan niya ay maghandog tayong patuloy ng alay ng pagpupuri sa Diyos, samakatuwid ay ng bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kanyang pangalan. Huwag ninyong kaliligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pamamahagi, sapagkat ang Diyos ay nalulugod sa mga gayong handog. Sumunod kayo at pasakop sa mga namumuno sa inyo, sapagkat sila'y matamang nagbabantay alang-alang sa inyong mga kaluluwa bilang mga mananagot. Hayaang gampanan nila ito na may kagalakan at hindi nang may hapis, sapagkat kung ganito'y hindi ito magiging kapaki-pakinabang sa inyo. Idalangin ninyo kami, sapagkat kami'y naniniwalang kami ay may mabuting budhi, na nagnanais na mabuhay na marangal sa lahat ng mga bagay. At ako'y lalo pang nakikiusap sa inyo na inyong gawin ito, upang ako'y madaling maibalik sa inyo. Ngayon, ang Diyos ng kapayapaan na bumuhay mula sa mga patay sa ating Panginoong Jesus, ang dakilang pastol ng mga tupa, sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan, nawa'y gawin niya kayong ganap sa bawat mabuting bagay upang magawa ninyo ang kanyang kalooban, at gawin sa atin ang nakakalugod sa paningin niya, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na sa kanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen. Mga kapatid, ngayon ay nananawagan ako sa inyo na inyong pagtiisan ang aking salita ng pangaral, sapagkat sa pamamagitan ng iilang mga salita ay sumulat ako sa inyo. Nais kong malaman ninyo na ang ating kapatid na si Timoteo ay pinalaya na; at kung siya'y dumating agad, kasama ko siyang makikita kayo. Batiin ninyo ang lahat ng mga namumuno sa inyo at ang lahat ng mga banal. Kayo'y binabati ng mga nasa Italia. Ang biyaya'y sumainyo nawang lahat. Amen. Si Santiago, na alipin ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo, ay bumabati sa labindalawang lipi na nasa Pangangalat. Mga kapatid ko, ituring ninyong buong kagalakan kapag kayo'y nahaharap sa sari-saring pagsubok, yamang inyong nalalaman na ang pagsubok sa inyong pananampalataya ay nagbubunga ng pagtitiis. At inyong hayaan na malubos ng pagtitiis ang gawa nito, upang kayo'y maging sakdal at ganap, na walang anumang kakulangan. Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa Diyos na nagbibigay nang sagana sa lahat at hindi nanunumbat, at iyon ay ibibigay sa kanya. Ngunit humingi siyang may pananampalataya na walang pag-aalinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay katulad ng alon sa dagat na hinihipan at ipinapadpad ng hangin. Sapagkat ang taong iyon ay hindi dapat mag-akala na siya'y tatanggap ng anumang bagay mula sa Panginoon. Siya ay isang taong nagdadalawang isip, di matatag sa lahat ng kanyang mga lakad. Ngunit ang kapatid na hamak ay hayaang magmalaki sa kanyang pagkakataas, at ang mayaman sa kanyang pagkaaba, sapagkat siya'y lilipas na gaya ng bulaklak sa parang. Sapagkat ang araw ay sumisikat na may nakakapasong init at tinutuyo ang damo at nilalagas ang bulaklak nito, at nawawala ang kagandahan nito. Gayundin ang taong mayaman ay malalanta sa gitna ng kanyang abalang pamumuhay. Mapalad ang taong nagtitiis ng pagsubok, sapagkat kapag siya ay subok na, siya'y tatanggap ng putong ng buhay, na ipinangako ng Panginoona sa mga nagmamahal sa kanya. Huwag sabihin ng sinuman kapag siya'y tinutukso, "Ako'y tinutukso ng Diyos," sapagkat ang Diyos ay hindi natutukso ng masasama, at hindi rin siya nanunukso sa sinuman. Ngunit ang bawat tao ay natutukso ng sarili niyang pagnanasa, kapag siya ay nahila at naakit nito; at kapag ang pagnanasang iyon ay naipaglihi, ito ay nanganganak ng kasalanan, at ang kasalanan kapag malaki na ay nagbubunga ng kamatayan. Huwag kayong padaya, mga minamahal kong kapatid. Ang bawat mabuting kaloob at ang bawat sakdal na kaloob ay pawang buhat sa itaas, na nanggagaling sa Ama ng mga ilaw, na sa kanya ay walang pag-iiba, o anino man ng pagbabago. Alinsunod sa kanyang sariling kalooban, tayo ay ipinanganak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging isang uri ng mga unang bunga sa kanyang mga nilalang. Unawain ninyo ito, minamahal kong mga kapatid: ang bawat tao ay dapat na maging mabilis sa pakikinig, marahan sa pagsasalita, mabagal sa pagkagalit; sapagkat ang galit ng tao ay hindi gumagawa ng katuwiran ng Diyos. Kaya't alisin ninyo ang lahat ng karumihan at ang nalalabing kasamaan, at tanggapin ninyo na may kaamuan ang salitang itinanim, na may kapangyarihang magligtas ng inyong mga kaluluwa. Ngunit maging tagatupad kayo ng salita, at hindi tagapakinig lamang, na dinadaya ninyo ang inyong mga sarili. Sapagkat kung ang sinuman ay tagapakinig ng salita at hindi tagatupad, siya ay katulad ng isang tao na tinitingnan ang kanyang likas na mukha sa salamin; sapagkat minamasdan niya ang kanyang sarili at umaalis, at agad niyang nalilimutan kung ano ang kanyang katulad. Ngunit ang tumitingin sa sakdal na kautusan, ang kautusan ng kalayaan, at nananatili na hindi tagapakinig na malilimutin, kundi tagatupad na gumagawa, siya ay pagpapalain sa kanyang gawain. Kung inaakala ng sinuman na siya'y relihiyoso, subalit hindi pinipigil ang kanyang dila, kundi dinadaya ang kanyang puso, ang relihiyon ng taong iyon ay walang kabuluhan. Ang dalisay na relihiyon at walang dungis sa harapan ng ating Diyos at Ama ay ito: ang dalawin ang mga ulila at ang mga balo sa kanilang kahirapan, at panatilihin ang sarili na hindi nadungisan ng sanlibutan. Mga kapatid ko, huwag kayong magkaroon ng pagtatangi habang tinataglay ninyo ang pananampalataya sa ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Panginoon ng kaluwalhatian. Sapagkat kung pumasok sa inyong pagtitipon ang isang taong may mga gintong singsing sa mga daliri at may magandang kasuotan, at may pumasok ding isang dukha na may hamak na damit, at inyong pinansin ang may suot ng damit na maganda, at sinabi, "Maupo ka rito," at sa dukha ay inyong sinabi, "Tumayo ka riyan," o "Maupo ka sa ibaba ng tuntungan ng aking mga paa," hindi ba kayo'y gumagawa ng mga pagtatangi sa inyong mga sarili, at nagiging mga hukom na may masasamang pag-iisip? Makinig kayo, minamahal kong mga kapatid. Hindi ba pinili ng Diyos ang mga dukha sa sanlibutang ito upang maging mayayaman sa pananampalataya at mga tagapagmana ng kaharian na kanyang ipinangako sa mga nagmamahal sa kanya? Ngunit inyong hinamak ang dukha. Hindi ba ang mayayaman ang umaapi sa inyo at kumakaladkad sa inyo sa mga hukuman? Hindi ba sila ang lumalapastangan sa mabuting pangalan na itinawag sa inyo? Mabuti ang inyong ginagawa kung tunay na inyong ginaganap ang kautusang makahari, ayon sa kasulatan, "Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili." Subalit kung kayo'y nagpapakita ng pagtatangi, kayo ay nagkakasala at kayo'y inilalantad ng kautusan bilang mga lumalabag. Sapagkat sinumang tumutupad ng buong kautusan, subalit lumalabag sa isa, ay nagkakasala sa lahat. Sapagkat siya na nagsabi, "Huwag kang mangalunya," ay nagsabi rin, "Huwag kang papatay." Ngayon, kung ikaw ay hindi nangangalunya, ngunit pumapatay ka, ikaw ay lumalabag sa kautusan. Kaya't magsalita kayo at kumilos na gaya ng mga taong hahatulan sa pamamagitan ng kautusan ng kalayaan. Sapagkat ang paghuhukom ay walang awa sa mga hindi nagpakita ng awa; ang awa ay nagtatagumpay laban sa paghuhukom. Ano ang pakinabang mga kapatid ko, kung sinasabi ng sinuman na siya'y may pananampalataya, ngunit walang mga gawa? Maililigtas ba siya ng kanyang pananampalataya? Kung ang isang kapatid na lalaki o babae ay namumuhay nang hubad at kinukulang sa pagkain sa araw-araw, at ang isa sa inyo ay magsabi sa kanila, "Humayo kayong payapa, magpainit kayo at magpakabusog," subalit hindi ninyo sila binibigyan ng mga bagay na kailangan ng katawan; anong pakinabang niyon? Kaya't ang pananampalataya na nag-iisa, kung ito ay walang mga gawa ay patay. Subalit, may magsasabi, "Ikaw ay mayroong pananampalataya, at ako'y mayroong mga gawa." Ipakita mo sa akin ang iyong pananampalatayang walang mga gawa, at ipapakita ko sa pamamagitan ng aking mga gawa ang aking pananampalataya. Sumasampalataya ka na ang Diyos ay iisa; mabuti ang iyong ginagawa. Ang mga demonyo man ay sumasampalataya at nanginginig pa. Subalit nais mo bang malaman, O taong hangal, na ang pananampalataya na walang mga gawa ay baog? Hindi ba ang ating amang si Abraham ay inaring ganap sa pamamagitan ng mga gawa, nang kanyang inihandog si Isaac na kanyang anak sa ibabaw ng dambana? Nakikita mo na ang pananampalataya ay gumagawang kalakip ng kanyang mga gawa, at ang pananampalataya ay naging ganap sa pamamagitan ng mga gawa. Kaya't natupad ang kasulatan na nagsasabi, "Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos, at iyo'y ibinilang sa kanya na katuwiran," at siya'y tinawag na kaibigan ng Diyos. Nakikita ninyo na ang tao'y inaaring ganap sa pamamagitan ng mga gawa at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang. Gayundin, hindi ba't si Rahab na masamang babae ay inaring ganap sa pamamagitan ng mga gawa, nang tanggapin niya ang mga sugo at pinalabas sila sa ibang daan? Sapagkat kung paanong ang katawan na walang espiritu ay patay, gayundin naman ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay. Mga kapatid ko, huwag maging guro ang marami sa inyo, yamang nalalaman nating hahatulan tayo ng mas mahigpit. Sapagkat tayong lahat ay natitisod sa maraming bagay. Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa pananalita, ito ay isang taong sakdal, may kakayahang pigilan ang buong katawan. Kung tayo nga'y naglalagay ng mga preno sa bibig ng mga kabayo upang sumunod sila sa atin, ibinabaling natin ang kanilang buong katawan. Tingnan ninyo ang mga barko: bagama't napakalalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, gayunma'y napapabaling sa pamamagitan ng isang napakaliit na timon saanman naisin ng piloto. Gayundin naman, ang dila ay isang maliit na bahagi ngunit nagyayabang ng malalaking bagay. Tingnan ninyo kung paanong sinusunog ng maliit na apoy ang malalaking gubat! At ang dila'y isang apoy. Ang dila na kasama ng ating mga sangkap ay isang sanlibutan ng kasamaan. Dinudungisan nito ang buong katawan, at sinusunog ang pag-inog ng kalikasan, at ito mismo ay sinusunog ng impiyerno. Sapagkat ang bawat uri ng mga hayop at mga ibon, ng mga hayop na gumagapang at mga nilalang sa dagat ay mapapaamo at napapaamo na ng tao, subalit ang dila ay hindi napapaamo ng tao, isang hindi napipigilang kasamaang puno ng lasong nakamamatay. Sa pamamagitan nito ay pinupuri natin ang Panginoon at Ama, at sa pamamagitan nito ay nilalait natin ang mga taong ginawa ayon sa larawan ng Diyos. Mula sa iisang bibig ay lumalabas ang pagpupuri at panlalait. Mga kapatid ko, hindi dapat maging ganito. Ang isang bukal ba ay binubukalan ng matamis at mapait? Mga kapatid ko, maaari ba na ang puno ng igos ay magbunga ng olibo, o ng mga igos ang puno ng ubas? Hindi rin maaaring daluyan ng tabang ang maalat na tubig. Sino ang marunong at maunawain sa inyo? Ipakita niya sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay ang kanyang mga gawa sa kaamuan ng karunungan. Ngunit kung kayo'y mayroong mapapait na paninibugho at pagiging makasarili sa inyong puso, huwag kayong magmalaki at huwag kayong magsinungaling laban sa katotohanan. Hindi ito ang karunungang bumababa mula sa itaas, kundi makalupa, makalaman, may sa demonyo. Sapagkat kung saan mayroong paninibugho at pagiging makasarili, doon ay mayroong kaguluhan at bawat gawang masama. Ngunit ang karunungang buhat sa itaas, una'y malinis, saka mapagpayapa, banayad, mapagbigay, puspos ng kaawaan at ng mabubuting bunga, walang pagtatangi, walang pagkukunwari. At ang bunga ng katuwiran ay itinatanim sa kapayapaan ng mga gumagawa ng kapayapaan. Saan nagmumula ang mga digmaan at saan nagmumula ang mga pag-aaway sa inyo? Hindi ba mula sa inyong mga kalayawan na nakikipaglaban sa inyong mga sangkap? Kayo'y naghahangad, at kayo'y wala; kayo'y pumapatay at kayo'y nag-iimbot at kayo'y hindi nagkakamit. Kayo'y nag-aaway at nagdidigmaan. Kayo'y wala, sapagkat hindi kayo humihingi. Kayo'y humihingi, at hindi tumatanggap, sapagkat humihingi kayo sa masamang dahilan, upang gugulin ninyo ito sa inyong mga kalayawan. Mga mangangalunya! Hindi ba ninyo nalalaman na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Diyos? Kaya't sinumang nagnanais na maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos. O iniisip ba ninyo na walang kabuluhan ang sinasabi ng kasulatan na, "Ang espiritu na pinatira niya sa atin ay nagnanasa na may paninibugho?" Ngunit siya'ynagbibigay ng higit pang biyaya. Kaya't sinasabi, "Ang Diyos ay sumasalungat sa mga mapagmataas, subalit nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba." Kaya't pasakop kayo sa Diyos, labanan ninyo ang diyablo, at siya ay lalayo sa inyo. Lumapit kayo sa Diyos, at siya'y lalapit sa inyo. Maglinis kayo ng inyong mga kamay, mga makasalanan, at pabanalin ninyo ang inyong mga puso, kayong mga may dalawang pag-iisip. Kayo'y managhoy, magluksa, at umiyak. Palitan ninyo ang inyong pagtawa ng pagluluksa, at ang inyong kagalakan ng kalungkutan. Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon, at kanyang itataas kayo. Mga kapatid, huwag kayong magsalita ng masama laban sa isa't isa. Ang nagsasalita laban sa kapatid, o humahatol sa kanyang kapatid ay nagsasalita ng masama laban sa kautusan, at humahatol sa kautusan. Ngunit kung ikaw ay humahatol sa kautusan, hindi ka na tagatupad ng kautusan, kundi isang hukom. lisa ang tagapagbigay ng kautusan at hukom, siya na may kapangyarihang magligtas at pumuksa. Kaya, sino ka na humahatol sa iyong kapwa? Halikayo ngayon, kayong nagsasabi, "Ngayon o bukas ay pupunta kami sa ganito o sa ganoong bayan, at kami ay mangangalakal doon ng isang taon at kikita." Gayunman ay hindi ninyo nalalaman kung ano ang magaganap bukas. Ano ba ang inyong buhay? Kayo nga'y isang singaw na sa sandaling panahon ay lumilitaw, at pagkatapos ay naglalaho. Sa halip ay dapat ninyong sabihin, "Kung loloobin ng Panginoon kami ay mabubuhay at gagawin namin ito o iyon." Subalit ngayon ay nagmamalaki kayo sa inyong mga kayabangan. Ang lahat ng gayong pagmamalaki ay masama. Kaya't ang sinumang nakakaalam ng paggawa ng mabuti ngunit hindi ito ginagawa, ito ay kasalanan sa kanya. Halikayo ngayon, kayong mayayaman, tumangis kayo at humagulhol dahil sa mga kahirapan na sa inyo'y darating. Ang inyong mga kayamanan ay bulok na, at ang inyong mga damit ay kinakain na ng bukbok. Ang inyong ginto at ang inyong pilak ay kinakalawang na, at ang mga kalawang ng mga ito ay magiging patotoo laban sa inyo, at gaya ng apoy ay lalamunin nito ang inyong laman. Kayo'y nag-imbak ng mga kayamanan para sa mga huling araw. Tingnan ninyo, ang sahod ng mga manggagawa na gumapas sa inyong mga bukid na inyong ipinagkakait ay umiiyak; at ang pag-iyak ng mga umani ay nakarating sa pandinig ng Panginoon ng mga hukbo. Kayo'y namuhay na may pagpapasasa sa ibabaw ng lupa, at namuhay kayong may karangyaan. Pinataba ninyo ang inyong mga puso sa araw ng katayan. Inyong hinatulan at pinaslang ang taong matuwid na hindi lumalaban sa inyo. Kaya, maging matiyaga kayo, mga kapatid, hanggang sa pagdating ng Panginoon. Hinihintay ng magsasaka ang mahalagang bunga ng lupa, na siya'y nagtitiis para dito hanggang sa ito ay tumanggap ng una at huling ulan. Maging matiyaga rin kayo. Patatagin ninyo ang inyong mga puso, sapagkat ang pagdating ng Panginoon ay malapit na. Mga kapatid, huwag kayong magbulung-bulungan laban sa isa't isa, upang huwag kayong mahatulan. Tingnan ninyo, ang hukom ay nakatayo sa harapan ng mga pintuan. Mga kapatid, kunin ninyong halimbawa ng pagtitiis at ng pagtitiyaga ang mga propeta na nagsalita sa pangalan ng Panginoon. Tunay na tinatawag nating mapapalad ang mga nagtiis. Narinig ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job, at inyong nakita ang layunin ng Panginoon, kung paanong ang Panginoon ay puno ng pagkahabag at pagkamaawain. Ngunit higit sa lahat, mga kapatid ko, huwag ninyong ipanumpa ang langit o ang lupa, o ang anumang ibang panunumpa, kundi ang inyong "Oo" ay maging oo; at ang inyong "Hindi" ay maging hindi, upang kayo'y huwag mahulog sa ilalim ng kahatulan. Mayroon ba sa inyong nagdurusa? Manalangin siya. Mayroon bang masaya? Umawit siya ng papuri. May sakit ba ang sinuman sa inyo? Ipatawag niya ang matatanda ng iglesya, at kanilang ipanalangin siya, at siya'y pahiran nila ng langis sa pangalan ng Panginoon. Ang panalangin na may pananampalataya ay magliligtas sa maysakit, at ibabangon siya ng Panginoon; at kung siya ay nagkasala, siya ay patatawarin. Kaya't ipahayag ninyo sa isa't isa ang inyong mga kasalanan, at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Ang panalangin ng taong matuwid ay makapangyarihan at mabisa. Si Elias ay isang taong may likas na gaya rin ng sa atin, at siya'y taimtim na nanalangin upang huwag umulan, at hindi umulan sa lupa sa loob ng tatlong taon at anim na buwan. At muli siyang nanalangin, at ang langit ay nagbigay ng ulan, at ang lupa ay sinibulan ng bunga nito. Mga kapatid ko, kung ang sinuman sa inyo ay naliligaw mula sa katotohanan, at siya'y pinapanumbalik ng sinuman, dapat niyang malaman na ang nagpapanumbalik sa isang makasalanan mula sa pagkaligaw sa kanyang landas ay magliligtas ng kaluluwa mula sa kamatayan, at magtatakip ng napakaraming kasalanan. Si Pedro, na apostol ni Jesu-Cristo, Sa mga hinirang na nangingibang bayan na nasa Pangangalat sa Ponto, Galacia, Capadocia, Asia at Bitinia, pinili at itinalaga ng Diyos Ama, at ginawang banal ng Espiritu upang sumunod kay Jesu-Cristo at mawisikan ng kanyang dugo: Biyaya at kapayapaan nawa ang sa inyo'y sumagana. Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Sa pamamagitan ng kanyang malaking kahabagan ay muli tayong ipinanganak sa isang buhay na pag-asa sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo mula sa mga patay, tungo sa isang manang hindi nasisira, walang dungis, at hindi kumukupas, na inilaan sa langit para sa inyo, na sa kapangyarihan ng Diyos ay iniingatan sa pamamagitan ng pananampalataya para sa kaligtasan na nakahandang ipahayag sa huling panahon. Sa ganito kayo'y nagagalak, bagama't ngayon sa sandaling panahon ay kailangan ninyong magdanas ng iba't ibang pagsubok, upang ang kadalisayan ng inyong pananampalataya na mas mahalaga kaysa gintong nasisira, bagama't ito'y sinusubok sa pamamagitan ng apoy, ay mauwi sa kapurihan, kaluwalhatian at karangalan sa pagpapakita ni Jesu-Cristo. Hindi ninyo siya nakita gayunma'y inyong iniibig; bagama't ngayon ay hindi ninyo siya nakikita, gayunma'y inyong sinasampalatayanan, at kayo'y nagagalak na may galak na hindi maipaliwanag at puspos ng kaluwalhatian, na inyong tinatanggap ang bunga ng inyong pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong mga kaluluwa. Tungkol sa kaligtasang ito, nagsikap at nagsiyasat na mabuti ang mga propeta na nagpahayag tungkol sa biyayang darating sa inyo. Kanilang siniyasat kung anong pagkatao o kapanahunan na tinutukoy ng Espiritu ni Cristo na sumasakanila, nang ipahayag ang mangyayaring pagdurusa ni Cristo, at ang kaluwalhatiang susunod sa mga ito. Ipinahayag sa kanila na hindi sila naglilingkod sa kanilang sarili kundi sa inyo, sa mga bagay na ngayo'y ibinalita sa inyo sa pamamagitan ng mga nangaral sa inyo ng ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo na sinugo mula sa langit; na ang mga bagay na ito'y pinananabikang makita ng mga anghel. Kaya't ihanda ninyo sa gawain ang inyong mga pag-iisip; na supilin ninyo ang inyong sarili at ilagak ang inyong pag-asa sa biyayang darating sa inyo kapag inihayag na si Jesu-Cristo. Tulad ng mga masunuring mga anak, huwag kayong gumaya sa masasamang pagnanasa ng inyong kamangmangan noong una. Sa halip, yamang banal ang sa inyo'y tumawag, maging banal naman kayo sa lahat ng paraan ng pamumuhay; sapagkat nasusulat, "Kayo'y maging banal, sapagkat ako'y banal." Kung inyong tinatawagan bilang Ama ang humahatol na walang pagtatangi ayon sa gawa ng bawat isa, mamuhay kayo na may takot sa panahon ng inyong pangingibang bayan. Nalalaman ninyong kayo'y tinubos mula sa inyong walang kabuluhang paraan ng pamumuhay na minana ninyo sa inyong mga ninuno, hindi ng mga bagay na nasisira, tulad ng pilak o ginto, kundi ng mahalagang dugo ni Cristo, gaya ng sa korderong walang kapintasan at walang dungis. Siya ay itinalaga na nang una bago itinatag ang sanlibutan, ngunit inihayag sa mga huling panahon dahil sa inyo. Sa pamamagitan niya ay nanampalataya kayo sa Diyos, na bumuhay sa kanya mula sa mga patay at sa kanya'y nagbigay ng kaluwalhatian, kaya't ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nakatuon sa Diyos. Ngayong nilinis na ninyo ang inyong mga kaluluwa sa pamamagitan ng inyong pagsunod sa katotohanan, kaya't kayo'y may tunay na pag-ibig sa isa't isa, mag-ibigan kayo sa isa't isa nang buong alab mula sa dalisay na puso. Ipinanganak na kayong muli, hindi ng binhing nasisira, kundi ng walang kasiraan, sa pamamagitan ng buhay at nananatiling salita ng Diyos. Sapagkat, "Ang lahat ng laman ay gaya ng damo, at ang lahat ng kaluwalhatian nito ay gaya ng bulaklak ng damo. Ang damo'y natutuyo, at ang bulaklak ay nalalanta, subalit ang salita ng Panginoon ay nananatili magpakailanman." Ang salitang ito ay ang magandang balita na ipinangaral sa inyo. Kaya't iwaksi ninyo ang lahat ng kasamaan, pandaraya, pagkukunwari, inggitan, at lahat ng paninirang puri. Gaya ng mga sanggol na bagong silang ay mithiin ninyo ang malinis na espirituwal na gatas, upang sa pamamagitan nito'y lumago kayo tungo sa kaligtasan, kung natikman nga ninyo na ang Panginoon ay mabuti. Lumapit kayo sa kanya, na isang batong buhay, bagaman itinakuwil ng mga tao gayunma'y pinili at mahalaga sa paningin ng Diyos, at tulad ng mga batong buhay, hayaan ninyong kayo ay maitayo bilang espirituwal na bahay tungo sa banal na pagkapari, upang mag-alay ng mga espirituwal na handog na kasiya-siya sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sapagkat ito ang isinasaad ng kasulatan: "Tingnan ninyo, aking inilalagay sa Zion ang isang bato, isang batong panulok na pinili at mahalaga; at sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya." Kaya't sa inyo na nananampalataya, siya'y mahalaga; subalit sa mga hindi nananampalataya, "Ang batong itinakuwil ng mga tagapagtayo ng bahay ay siyang naging puno ng panulok," at, "Isang batong nagpapatisod sa kanila, at malaking bato na nagpabagsak sa kanila." Sila'y natitisod dahil sa pagsuway sa salita, na dito naman sila itinalaga. Ngunit kayo'y isang lahing pinili, isang maharlikang pagkapari, isang bansang banal, sambayanang pag-aari ng Diyos, upang inyong ipahayag ang mga makapangyarihang gawa niya na tumawag sa inyo mula sa kadiliman, tungo sa kanyang kagila-gilalas na liwanag. Noon ay hindi kayo bayan, ngunit ngayo'y bayan kayo ng Diyos; noon ay hindi kayo tumanggap ng habag, ngunit ngayo'y tumanggap kayo ng habag. Mga minamahal, ipinapakiusap ko sa inyo bilang mga dayuhan at ipinatapon, na kayo'y umiwas sa mga pagnanasa ng laman na nakikipaglaban sa kaluluwa. Maging marangal ang inyong pag-uugali sa gitna ng mga Hentil upang kung magsalita sila laban sa inyo na parang kayo'y gumagawa ng kasamaan, ay makita nila ang inyong mabubuting gawa at luwalhatiin nila ang Diyos sa araw ng pagdalaw. Pasakop kayo sa bawat pamahalaan ng tao alang-alang sa Panginoon, maging sa hari, na kataas-taasan, o sa mga gobernador na sinugo niya upang parusahan ang mga gumagawa ng masama at parangalan ang mga gumagawa ng mabuti. Sapagkat gayon ang kalooban ng Diyos na dahil sa paggawa ng mabuti ay inyong mapatahimik ang kamangmangan ng mga taong hangal. Mamuhay kayo nang tulad sa taong malalaya, ngunit huwag ninyong gamitin ang kalayaan bilang balabal ng kasamaan, kundi bilang mga alipin ng Diyos. Igalang ninyo ang lahat ng mga tao. Ibigin ninyo ang kapatiran. Matakot kayo sa Diyos. Igalang ninyo ang hari. Mga alipin, magpasakop kayo nang may buong paggalang sa inyong mga amo; hindi lamang sa mabubuti at mahihinahon, kundi gayundin sa mababagsik. Sapagkat ito'y kapuri-puri, kung dahil sa pagkakilala sa Diyos ay nagtiis ang sinuman ng sakit habang nagdurusa nang hindi nararapat. Sapagkat anong pakinabang nga, na kapag kayo'y nagkakasala at hinahampas dahil dito, ay inyong tinatanggap na may pagtitiis? Ngunit kung kayo'y gumagawa ng mabuti at kayo'y nagdurusa dahil dito at inyong tinatanggap na may pagtitiis, ito'y kalugud-lugod sa Diyos. Sapagkat ukol dito kayo'y tinawag, sapagkat si Cristo man ay nagdusa alang-alang sa inyo, na kayo'y iniwanan ng halimbawa, upang sumunod kayo sa kanyang mga yapak. "Siya'y hindi nagkasala, at walang natagpuang pandaraya sa kanyang bibig." Nang siya'y alipustain, hindi siya gumanti; nang siya'y magdusa, hindi siya nagbanta, kundi ipinagkatiwala ang kanyang sarili doon sa humahatol na may katarungan. Siya mismo ang nagdala ng ating mga kasalanan sa kanyang katawan sa punungkahoy, upang tayo'y mamatay sa mga kasalanan at mabuhay sa katuwiran; dahil sa kanyang mga sugat ay gumaling kayo. Sapagkat kayo'y tulad sa mga tupang naliligaw, ngunit ngayon ay bumalik na kayo sa Pastol at Tagapag-alaga ng inyong mga kaluluwa. Gayundin naman, kayong mga asawang babae, pasakop kayo sa inyu-inyung sariling asawa, kahit na ang ilan sa kanila ay hindi sumusunod sa salita, upang mahikayat nang walang salita sa pamamagitan ng ugali ng kanikanilang asawang babae; kapag nakikita nila ang dalisay at magalang ninyong pag-uugali. Ang inyong kagayakan ay huwag maging panlabas na pagpapahiyas ng buhok, at pagsusuot ng ginto, o pagbibihis ng maringal na damit. Sa halip, ay ang panloob na pagkatao na may kagandahang walang paglipas, ng isang mahinhin at maamong espiritu na napakahalaga sa paningin ng Diyos. Sapagkat nang unang panahon ay ganito ginayakan ng mga banal na babae na umaasa sa Diyos ang kanilang sarili, at sila'y nagpasakop sa kani-kanilang mga asawa, tulad nang pagsunod ni Sarah kay Abraham, na kanyang tinawag na panginoon. At kayo ngayon ay mga anak niya kung gumagawa kayo ng mabuti, at hindi kayo natatakot sa anumang pananakot. Gayundin naman kayong mga lalaki, maging mapagbigay kayo sa inyu-inyung mga asawa sa inyong pagsasama, na binibigyan ng karangalan ang babae bilang isang mas marupok na sisidlan, yamang sila man ay tagapagmana rin ng biyaya ng buhay, upang walang makahadlang sa inyong mga panalangin. Katapus-tapusan, magkaisa kayong lahat sa pag-iisip, maging madamayin, mapagmahal sa mga kapatid, mababait at may mapagpakumbabang pag-iisip. Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama, o ng pag-alipusta ang pag-alipusta, kundi ng pagpapala; sapagkat ukol dito kayo'y tinawag, upang kayo'y magmana ng pagpapala. Sapagkat, "Ang nagmamahal sa buhay, at nais makakita ng mabubuting araw, ay magpigil ng kanyang dila sa masama, at ang kanyang mga labi ay huwag magsalita ng daya, lumayo siya sa masama at gumawa ng kabutihan; hanapin niya ang kapayapaan, at ito'y lakaran. Sapagkat ang mga mata ng Panginoon ay nasa mga matuwid, at ang kanyang mga tainga ay bukas sa kanilang mga panalangin. Ngunit ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga gumagawa ng masama." At sino ang gagawa ng masama sa inyo kung kayo'y masigasig sa paggawa ng mabuti? Subalit magdusa man kayo ng dahil sa katuwiran ay mapapalad kayo. Huwag kayong matakot sa kanilang pananakot, ni mabahala, kundi sa inyong mga puso ay pakabanalin ninyo si Cristo bilang Panginoon. Lagi kayong maging handa na ipagtanggol sa bawat taong humihingi sa inyo ng katuwiran ang tungkol sa pag-asang nasa inyo, ngunit gawin ito nang may kaamuan at paggalang. Ingatan ninyong malinis ang budhi, upang kapag kayo ay inalipusta, ang mga nagsasalita ng laban sa inyong mabuting paraan ng pamumuhay kay Cristo ay mapahiya. Sapagkat mas mabuting magdusa dahil sa paggawa ng mabuti kung iyon ay kalooban ng Diyos, kaysa magdusa dahil sa paggawa ng masama. Sapagkat si Cristo man ay minsang nagdusa dahil sa mga kasalanan, ang isang matuwid dahil sa mga di matuwid, upang kayo ay madala niya sa Diyos. Siya ay pinatay sa laman, ngunit binuhay sa espiritu; sa gayundin, siya ay pumunta at nangaral sa mga espiritung nasa bilangguan, na noon ay mga suwail, nang ang Diyos ay matiyagang naghintay noong mga araw ni Noe, habang ginagawa ang daong, na noon ay kakaunti, samakatuwid ay walong kaluluwa, ang naligtas sa pamamagitan ng tubig. At ang bautismo, na siyang kalarawan nito, ang nagliligtas sa inyo ngayon, hindi sa pag-aalis ng karumihan ng laman, kundi bilang paghiling sa Diyos ng isang malinis na budhi, sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo, na umakyat sa langit at nasa kanan ng Diyos, na ipinasakop sa kanya ang mga anghel, ang mga kapamahalaan at ang mga kapangyarihan. Kung paanong si Cristo ay nagdusa sa laman ay sandatahan din naman ninyo ang inyong sarili ng gayong pag-iisip, sapagkat ang nagdusa sa laman ay tapos na sa kasalanan, upang hindi na kayo mamuhay sa laman sa inyong nalalabing panahon sa masasamang pagnanasa ng mga tao, kundi sa kalooban ng Diyos. Sapat na ang nakaraang panahon sa paggawa ninyo ng mga gustong gawin ng mga Hentil, na namumuhay sa kahalayan, masasamang pita, paglalasing, kalayawan, pag-iinuman, at sa kasuklamsuklam na pagsamba sa mga diyus-diyosan. Sila ay nagtataka na kayo ay hindi na nakikisama sa gayang labis na kaguluhan, kaya't kayo'y nilalait nila. Ngunit sila'y magbibigay sulit sa kanya na handang humatol sa mga buhay at sa mga patay. Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ang ebanghelyo ay ipinangaral maging sa mga patay, upang bagaman sila'y nahatulan sa laman na gaya ng mga tao, ay mabubuhay sila sa espiritu tulad ng Diyos. Ngunit ang wakas ng lahat ng mga bagay ay malapit na, kaya kayo'y magpakatino at magpigil sa sarili alang-alang sa inyong mga panalangin. Higit sa lahat, magkaroon kayo ng maningas na pag-ibig sa isa't isa, sapagkat ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan. Maging mapagpatuloy kayo sa isa't isa nang walang bulung-bulungan. Kung paanong ang bawat isa ay tumanggap ng kaloob, ipaglingkod ito sa isa't isa bilang mabubuting katiwala ng masaganang biyaya ng Diyos. Sinumang nagsasalita ay gawin iyon nang tulad sa nagsasalita ng mga aral ng Diyos; sinumang naglilingkod ay tulad sa naglilingkod mula sa kalakasang ibinibigay ng Diyos, upang ang Diyos ay maluwalhati sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kaluwalhatian at ang kapangyarihan magpakailanman. Amen. Mga minamahal, huwag kayong magtaka tungkol sa mahigpit na pagsubok na dumarating sa inyo upang kayo'y subukin, na waring may isang kataka-takang bagay na nangyayari sa inyo. Kundi kayo'y magalak, yamang kayo'y nakikibahagi sa mga pagdurusa ni Cristo, upang kayo man ay matuwa at sumigaw sa galak kapag ang kaluwalhatian niya ay nahayag. Kung kayo'y inaalipusta dahil sa pangalan ni Cristo ay mapapalad kayo; sapagkat ang espiritu ng kaluwalhatian at ang Espiritu ng Diyos ay naninirahan sa inyo. Ngunit huwag magdusa ang sinuman sa inyo bilang isang mamamatay tao, o magnanakaw, o gumagawa ng masama, o bilang isang mapanghimasok. Ngunit kung ang isang tao ay nagdurusa bilang Cristiano, huwag niyang ikahiya ito, kundi luwalhatiin niya ang Diyos sa pangalang ito. Sapagkat ito'y panahon upang simulan ang paghuhukom sa sambahayan ng Diyos; at kung magsimula sa atin, ano kaya ang wakas ng mga hindi sumusunod sa ebanghelyo ng Diyos? At kung ang matuwid ay bahagya nang makaligtas, ano kaya ang mangyayari sa masasama at makasalanan? Kaya't ang mga nagdurusa ayon sa kalooban ng Diyos ay ipagkatiwala ang kanilang mga kaluluwa sa tapat na lumikha sa paggawa ng mabuti. Ngayon, bilang kapwa matanda at isang saksi sa mga pagdurusa ni Cristo, at bilang kabahagi sa kaluwalhatiang ihahayag, ipinapakiusap ko sa mga matatanda sa inyo, na pangalagaan ninyo ang kawan ng Diyos na nasa inyong pangangasiwa, na maglingkod bilang tagapangasiwa, hindi sapilitan kundi bukal sa loob, ayon sa kalooban ng Diyos, ni hindi dahil sa mahalay na pakinabang, kundi may sigasig. Huwag kayong maging panginoon ng mga pinangangasiwaan ninyo, kundi kayo'y maging mga halimbawa sa kawan. At sa pagpapakita ng punong Pastol, tatanggapin ninyo ang hindi kumukupas na putong ng kaluwalhatian. Gayundin naman, kayong mga kabataan, pasakop kayo sa matatanda. At kayong lahat ay magsuot ng kapakumbabaan sa inyong pakikitungo sa isa't isa, sapagkat "Ang Diyos ay sumasalungat sa mga palalo, ngunit nagbibigay ng biyaya sa mga mapagpakumbaba." Kaya't kayo'y magpakumbaba sa ilalim ng makapangyarihang kamay ng Diyos, upang kayo'y kanyang itaas sa takdang panahon. Ilagak ninyo sa kanya ang lahat ng inyong kabalisahan, sapagkat siya'y nagmamalasakit sa inyo. Magpakatino kayo, magbantay kayo. Ang diyablo na inyong kaaway ay tulad ng leong gumagala at umuungal, na humahanap ng kanyang malalapa. Siya'y labanan ninyo, maging matatag sa inyong pananampalataya, yamang inyong nalalaman na ang mga gayong hirap ay nararanasan ng inyong mga kapatid sa buong sanlibutan. At pagkatapos na kayo'y magdusa nang sandaling panahon, ang Diyos ng buong biyaya na sa inyo'y tumawag tungo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian kay Cristo, ay siya ring magpapanumbalik, magpapatibay, at magpapalakas sa inyo. Sumakanya nawa ang kapangyarihan magpakailanman. Amen. Sa pamamagitan ni Silvano, na itinuturing kong tapat nating kapatid, ay sinulatan ko kayo nang maikli upang pasiglahin kayo at magpatotoo na ito ang tunay na biyaya ng Diyos. Manindigan kayo rito. Binabati kayo ng babaing nasa Babilonia, na kasama ninyong hinirang at ni Marcos na aking anak. Magbatian kayo ng halik ng pag-ibig. Kapayapaan nawa ang sumainyong lahat na na kay Cristo. Si Simon Pedro, alipin at apostol ni Jesu-Cristo, Sa mga tumanggap ng mahalagang pananampalataya na gaya ng sa amin sa pamamagitan ng katuwiran ng ating Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo: Sumagana nawa sa inyo ang biyaya at kapayapaan sa pagkakilala sa Diyos at kay Jesus na Panginoon natin. Ipinagkaloob sa atin ng kanyang banal na kapangyarihan ang lahat ng mga bagay na kailangan sa buhay at pagiging maka-Diyos, sa pamamagitan ng pagkakilala sa kanya na tumawag sa atin sa kanyang sariling kaluwalhatian at kabutihan. Gayon niya ipinagkaloob sa atin ang kanyang mahahalaga at mga dakilang pangako upang sa pamamagitan ng mga ito ay makatakas kayo sa kabulukang nasa sanlibutan dahil sa masamang pagnanasa, at maging kabahagi kayo sa likas ng Diyos. At dahil dito, gawin ninyo ang lahat ng inyong makakaya na tustusan ang inyong pananampalataya ng kabutihan; ang kabutihan ng kaalaman; ang kaalaman ng pagpipigil; ang pagpipigil ng pagtitiis; ang pagtitiis ng pagiging maka-Diyos; at ang pagiging maka-Diyos ng pagmamahal sa kapatid; at ang pagmamahal sa kapatid ng pag-ibig. Sapagkat kung ang mga bagay na ito ay nasa inyo at dumarami, hindi kayo magiging mga walang saysay o mga walang bunga sa pagkakilala sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Sapagkat sinumang wala ng mga bagay na ito ay bulag at ang nasa malapit lamang ang nakikita, at nakalimutan na siya ay nilinis mula sa kanyang dating mga kasalanan. Kaya, mga kapatid, lalong pagsikapan ninyo na patatagin ang pagkatawag at pagkapili sa inyo, sapagkat kung gawin ninyo ang mga bagay na ito, hindi kayo matitisod kailanman. Sapagkat sa ganitong paraan, ay masaganang ibibigay sa inyo ang pagpasok sa walang hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Kaya't lagi kong hinahangad na ipaalala sa inyo ang mga bagay na ito, bagama't inyong nalalaman na, at kayo'y pinapatibay sa katotohanang dumating sa inyo. Inaakala kong tama, na habang ako'y nasa toldang ito, ay gisingin ko kayo ng isang paalala, yamang aking nalalaman na malapit na ang pag-aalis ng aking tolda na gaya ng ipinakita sa akin ng Panginoon nating si Jesu-Cristo. At sisikapin ko rin na pagkatapos ng aking pagpanaw ay inyong maaalala ang mga bagay na ito sa anumang panahon. Sapagkat kami ay hindi sumunod sa mga kathang-isip na ginawang may katusuhan nang aming ipaalam sa inyo ang kapangyarihan at pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo, kundi kami ay mga saksing nakakita ng kanyang kadakilaan. Sapagkat, siya'y tumanggap sa Diyos Ama ng karangalan at kaluwalhatian, at dumating sa kanya ang isang tinig mula sa Marangal na Kaluwalhatian, na nagsasabi, "Ito ang minamahal kong Anak, na siya kong kinalulugdan." Kami mismo ang nakarinig ng tinig na ito na nanggaling sa langit, nang kami ay kasama niya sa banal na bundok. Kaya't mayroon kaming salitang propesiya na lalong tiyak. Mabuti ang inyong ginagawa kung ito'y inyong pagtutuunan ng pansin, gaya sa isang ilawang tumatanglaw sa isang dakong madilim, hanggang sa pagbubukang liwayway, at ang tala sa umaga ay sumilang sa inyong mga puso. Una sa lahat, dapat ninyong malaman ito, na walang propesiya ng kasulatan na nagmula sa pansariling pagpapakahulugan, sapagkat walang propesiya na dumating kailanman sa pamamagitan ng kalooban ng tao kundi ang mga taong inudyukan ng Espiritu Santo ay nagsalita mula sa Diyos. Ngunit may lumitaw ding mga bulaang propeta sa gitna ng sambayanan, kung paanong sa inyo'y magkakaroon ng mga bulaang guro, na palihim na magpapasok ng mga nakapipinsalang turo. Itatakuwil nila pati ang Panginoon na bumili sa kanila, na nagdadala sa kanilang sarili ng mabilis na pagkapuksa. At maraming susunod sa kanilang mga gawang mahahalay, na dahil sa kanila ay lalaitin ang daan ng katotohanan. At sa kanilang kasakiman ay pagsasamantalahan nila kayo sa pamamagitan ng mga pakunwaring salita. Ang hatol sa kanila mula nang una ay hindi maaantala at ang kanilang kapahamakan ay hindi natutulog. Sapagkat kung hindi pinatawad ng Diyos ang mga anghel nang magkasala sila, kundi sila'y ibinulid sa impiyerno, at nilagyan ng mga tanikala ng kadiliman, upang ingatan hanggang sa paghuhukom; at kung paanong ang matandang daigdig ay hindi niya pinatawad, bagaman iniligtas si Noe na tagapangaral ng katuwiran, kasama ng pitong iba pa, noong ang daigdig ng masasamang tao ay dinalhan ng baha; kung paanong pinarusahan niya ng pagkalipol ang mga lunsod ng Sodoma at Gomorra na ginawa niyang abo, upang maging halimbawa sa mga mamumuhay sa kasamaan, at kung paanong iniligtas niya ang matuwid na si Lot, na lubhang nabagabag sa mahahalay na pamumuhay ng masasama (sapagkat ang matuwid na taong ito na nabuhay na kasama nila araw-araw, ay lubhang nabagabag ang matuwid na kaluluwa dahil sa kanilang masasamang gawa na kanyang nakita at narinig), kung gayon ang Panginoon ay marunong magligtas ng mga banal mula sa pagsubok at maglaan ng mga di matuwid sa ilalim ng kaparusahan hanggang sa araw ng paghuhukom; lalung-lalo na sa mga nagpapasasa sa kanilang laman sa pagnanasa, at hinahamak ang maykapangyarihan. Sila'y pangahas, matitigas ang ulo, at hindi natatakot na alipustain ang mga maluwalhati, samantalang ang mga anghel, bagama't lalong dakila ang lakas at kapangyarihan, ay hindi nagdadala ng paghatol na may pag-aalipusta laban sa kanila sa harapan ng Panginoon. Subalit ang mga taong ito, ay gaya ng mga hayop na walang bait, na ipinanganak na talagang mga hayop upang hulihin at patayin. Kanilang inaalipusta ang mga bagay na hindi nila nauunawaan at kapag ang mga nilalang na ito ay nilipol, sila ay lilipulin din, na pagdurusahan ang parusa sa paggawa ng masama. Itinuturing nilang isang kaligayahan ang magpakalayaw kung araw. Sila ay mga bahid at dungis, na nagpapakalayaw sa kanilang mga daya, habang sila'y nakikisalo sa inyong mga handaan. May mga mata silang puno ng pangangalunya, at hindi mapuknat sa pagkakasala, na kanilang inaakit ang mahihinang kaluluwa. May mga puso silang sanay sa kasakiman. Mga anak na isinumpa! Iniwan nila ang daang matuwid at naligaw sila, palibhasa'y sumunod sa daan ni Balaam na anak ni Beor, na umibig sa kabayaran ng kalikuan. Ngunit siya'y sinaway sa kanyang sariling pagsuway; isang asnong hindi makapagsalita ang nagsalita sa tinig ng tao at pinigil ang kabaliwan ng propeta. Ang mga ito'y mga bukal na walang tubig, mga ulap na tinatangay ng unos. Sa kanila'y inilaan ang pusikit na kadiliman. Sapagkat sila'y nagsasalita ng mga kayabangang walang kabuluhan, at nang-aakit sila sa pagnanasa ng laman sa pamamagitan ng kahalayan sa mga nakatakas mula sa mga namumuhay sa kamalian. Sila'y pinapangakuan nila ng kalayaan, gayong sila mismo'y mga alipin ng kabulukan; sapagkat sinuman ay inaalipin ng anumang lumupig sa kanila. Sapagkat kung pagkatapos na sila'y makatakas sa mga karumihan ng sanlibutan sa pamamagitan ng pagkakilala sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, ay muli silang napasabit sa mga ito at nadaig, ang huling kalagayan nila ay mas masama kaysa nang una. Sapagkat mas mabuti pa sa kanila ang hindi nakaalam ng daan ng katuwiran, kaysa, pagkatapos na malaman ito ay tumalikod sa banal na utos na ibinigay sa kanila. Nangyari sa kanila ang ayon sa tunay na kawikaan, "Nagbabalik muli ang aso sa kanyang sariling suka," at, 'Ang babaing baboy na nahugasan na, sa paglulublob sa putik." Mga minamahal, ito ngayon ang ikalawang sulat na isinusulat ko sa inyo; at sa dalawang ito'y ginigising ko ang inyong tapat na pag-iisip sa pamamagitan ng pagpapaalala sa inyo; na dapat ninyong maalala ang mga salitang ipinahayag noong una ng mga banal na propeta, at ang utos ng Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng inyong mga apostol! Una sa lahat, dapat ninyong malaman ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga manlilibak, na manlilibak at lumalakad ayon sa kanilang sariling mga pagnanasa, at magsasabi, "Nasaan ang pangako ng kanyang pagdating? Sapagkat, buhat pa nang mamatay ang ating mga ninuno, nananatili ang lahat ng mga bagay sa dati nilang kalagayan mula nang pasimula ng paglalang." Sinasadya nilang hindi pansinin ang katotohanang ito, na sa pamamagitan ng salita ng Diyos ay nagkaroon ng langit nang unang panahon at inanyuan ang lupa mula sa tubig at sa pamamagitan ng tubig, na sa pamamagitan din nito ang daigdig noon ay inapawan ng tubig at nagunaw. Ngunit sa pamamagitan ng gayunding salita ang kasalukuyang langit at lupa ay iningatan para sa apoy, na inilalaan sa araw ng paghuhukom at sa paglipol sa masasamang tao. Subalit huwag ninyong kaliligtaan ang katotohanang ito, mga minamahal, ang isang araw sa Panginoon ay tulad ng sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay tulad ng isang araw. Hindi mabagal ang Panginoon tungkol sa kanyang pangako, na gaya ng kabagalang itinuturing ng iba, kundi matiyaga sa inyo, na hindi niya ibig na sinuman ay mapahamak, kundi ang lahat ay dumating sa pagsisisi. Ngunit darating ang araw ng Panginoon na gaya ng isang magnanakaw, at ang kalangitan ay maglalaho kasabay ng malakas na ingay at ang mga sangkap ay matutupok sa apoy at ang lupa at ang mga gawang naroon ay masusunog. Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay mawawasak nang ganito, ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na pamumuhay at pagiging maka-Diyos, na hinihintay at pinagmamadali ang pagdating ng araw ng Diyos, sapagkat ang kalangitan na nagliliyab ay matutupok, at ang mga sangkap ay matutunaw sa init! Ngunit, ayon sa kanyang pangako, ay naghihintay tayo ng bagong langit at ng bagong lupa, kung saan ang katuwiran ay naninirahan. Kaya nga, mga minamahal, yamang kayo'y naghihintay sa mga bagay na ito, ay pagsikapan ninyong matagpuan kayo sa kapayapaan, na walang dungis at walang kapintasan sa paningin niya. At inyong ituring ang pagtitiyaga ng ating Panginoon bilang kaligtasan. Gaya rin ng ating minamahal na kapatid na si Pablo, ayon sa karunungang ibinigay sa kanya, ay sinulatan kayo; gayundin naman sa lahat ng kanyang mga sulat na sinasabi sa mga iyon ang mga bagay na ito. Doon ay may mga bagay na mahirap unawain, na binabaluktot ng mga hindi nakakaalam at ng mga walang tiyaga, gaya rin naman ng kanilang ginagawa sa ibang mga kasulatan, sa ikapapahamak din nila. Kaya't kayo, mga minamahal, yamang nalalaman na ninyo noon pa ang mga bagay na ito, mag-ingat kayo, baka mailigaw kayo sa pamamagitan ng kamalian ng masasama at mahulog kayo mula sa inyong sariling katatagan. Subalit lumago kayo sa biyaya at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sumakanya nawa ang kaluwalhatian ngayon at hanggang sa araw ng walang hanggan. Amen. Yaong buhat sa pasimula, na aming narinig, nakita ng aming mga mata, aming napagmasdan, at nahipo ng aming mga kamay, tungkol sa salita ng buhay — ang buhay na ito ay nahayag, aming nakita, aming pinatototohanan, at sa inyo'y aming ibinabalita ang buhay na walang hanggan, na kasama ng Ama at sa amin ay ipinahayag. Ipinahahayag namin sa inyo yaong aming nakita at narinig upang kayo rin naman ay magkaroon ng pakikisama sa amin; at tunay na ang ating pakikisama ay sa Ama at sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Isinusulat namin ang mga bagay na ito upang ang aming kagalakan ay malubos. At ito ang mensahe na aming narinig sa kanya at sa inyo'y aming ipinahahayag, na ang Diyos ay liwanag, at sa kanya'y walang anumang kadiliman. Kung sinasabi nating tayo'y may pakikisama sa kanya, at tayo'y lumalakad sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi natin ginagawa ang katotohanan. Ngunit kung tayo'y lumalakad sa liwanag, na tulad niya na nasa liwanag, may pakikisama tayo sa isa't isa, at ang dugo ni Jesus na kanyang Anak ang lumilinis sa atin sa lahat ng kasalanan. Kung sinasabi nating tayo'y walang kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at ang katotohanan ay wala sa atin. Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, siya ay tapat at banal na magpapatawad sa ating mga kasalanan at tayo'y lilinisin sa lahat ng kalikuan. Kung sinasabi nating tayo'y hindi nagkasala, ginagawa natin siyang sinungaling at ang kanyang salita ay wala sa atin. Mga munti kong anak, ang mga bagay na ito ay isinusulat ko sa inyo, upang kayo'y huwag magkasala. Ngunit kung ang sinuman ay magkasala, tayo ay may Tagapagtanggol sa harap ng Ama, si Jesu-Cristo na siyang matuwid. Siya ang kabayaran para sa ating mga kasalanan, at hindi lamang para sa atin kundi para din sa kasalanan ng buong sanlibutan. At sa ganito'y nalalaman natin na siya'y kilala natin, kung tinutupad natin ang kanyang mga utos. Ang nagsasabing, "Kilala ko siya," ngunit hindi tinutupad ang kanyang mga utos, ay sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kanya. Ngunit ang sinumang tumutupad ng kanyang salita, tunay na naging ganap sa taong ito ang pag-ibig ng Diyos. Sa pamamagitan nito'y nalalaman nating tayo'y nasa kanya. Ang nagsasabing siya'y nananatili sa kanya ay nararapat ding lumakad gaya ng kanyang paglakad. Mga minamahal, hindi bago ang utos na isinusulat ko sa inyo, kundi ang dating utos na nasa inyo na buhat nang pasimula; ang dating utos ay ang salita na inyong narinig. Gayunma'y isinusulat ko sa inyo ang isang bagong utos na tunay sa kanya at sa inyo, sapagkat ang kadiliman ay lumilipas at ang tunay na liwanag ay tumatanglaw na. Ang nagsasabing siya'y nasa liwanag at napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa hanggang ngayon. Ang umiibig sa kanyang kapatid ay nananatili sa liwanag, at sa kanya'y walang anumang kadahilanang ikatitisod. Ngunit ang napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman. Siya ay lumalakad sa kadiliman at hindi niya nalalaman kung saan siya pupunta, sapagkat ang kanyang mga mata ay binulag ng kadiliman. Mga munting anak, kayo'y sinusulatan ko sapagkat ipinatawad sa inyo ang inyong mga kasalanan dahil sa kanyang pangalan. Mga ama, kayo'y sinusulatan ko, sapagkat inyong nakilala siyang nagbuhat pa nang pasimula. Mga kabataang lalaki, kayo'y sinusulatan ko sapagkat inyong dinaig ang masama. Mga anak, kayo'y sinusulatan ko sapagkat inyong nakilala ang Ama. Mga ama, kayo'y sinusulatan ko sapagkat inyong nakilala siyang nagbuhat pa nang pasimula. Mga kabataan, kayo'y sinusulatan ko sapagkat kayo'y malalakas, at ang salita ng Diyos ay nananatili sa inyo, at inyong dinaig ang masama. Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan, ni ang mga bagay na nasa sanlibutan. Ang pag-ibig ng Ama ay wala sa sinumang umiibig sa sanlibutan. Sapagkat ang lahat na nasa sanlibutan, ang masamang pagnanasa ng laman, ang pagnanasa ng mga mata, at ang pagmamataas sa buhay, ay hindi mula sa Ama kundi sa sanlibutan. Ang sanlibutan at ang pagnanasa nito ay lumilipas, ngunit ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman. Mga anak, huling oras na! Gaya ng inyong narinig na darating ang anti-Cristo, kahit ngayon ay lumitaw na ang maraming anti-Cristo. Kaya nalalaman nating huling oras na. Sila'y lumabas sa atin, ngunit sila'y hindi sa atin; sapagkat kung sila'y kabilang sa atin ay magpapatuloy sana silang kasama natin. Ngunit sa paglabas nila ay ginawa nilang maliwanag na silang lahat ay hindi kabilang sa atin. Ngunit kayo'y pinahiran ng Banal, at nalalaman ninyo ang lahat ng mga bagay. Sinusulatan ko kayo, hindi dahil sa hindi ninyo nalalaman ang katotohanan, kundi dahil nalalaman ninyo iyon, at nalalaman ninyo na walang kasinungalingan na nagmumula sa katotohanan. Sino ang sinungaling kundi ang nagkakaila na si Jesus ay siyang Cristo? Ito ang anti-Cristo, ang nagkakaila sa Ama at sa Anak. Ang sinumang nagkakaila sa Anak, ay hindi sumasakanya ang Ama. Ang nagpapahayag sa Anak ay sumasakanya rin ang Ama. Manatili sa inyo ang inyong narinig buhat nang pasimula. Kung nananatili sa inyo ang narinig ninyo buhat nang pasimula, kayo naman ay mananatili sa Anak at sa Ama. At ito ang pangako na kanyang ipinangako sa atin, ang buhay na walang hanggan. Isinulat ko sa inyo ang mga bagay na ito tungkol sa mga mandaraya sa inyo. Tungkol sa inyo, ang pagpapahid na inyong tinanggap ay nananatili sa inyo, kaya't hindi na ninyo kailangan pang kayo'y turuan ng sinuman. Ngunit kayo'y tinuturuan ng kanyang pagpapahid tungkol sa lahat ng mga bagay, at ito'y totoo at hindi kasinungalingan, kung paanong kayo'y tinuruan nito, ay gayon kayo manatili sa kanya. At ngayon, mga munting anak, manatili kayo sa kanya; upang kung mahayag siya ay magkaroon kayo ng pagtitiwala, at hindi mapahiya sa harapan niya sa kanyang pagdating. Kung nalalaman ninyong siya'y matuwid, makakatiyak kayo na ang bawat gumagawa ng katuwiran ay ipinanganak niya. Masdan ninyo kung anong uri ng pag-ibig ang ipinagkaloob sa atin ng Ama, upang tayo'y matawag na mga anak ng Diyos; at tayo'y gayon nga. Dahil dito'y hindi tayo nakikilala ng sanlibutan, sapagkat siya'y hindi nakilala nito. Mga minamahal, ngayon ay mga anak tayo ng Diyos at hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Nalalaman natin na kung siya'y mahayag, tayo'y magiging katulad niya, sapagkat siya'y ating makikita bilang siya. At sinumang may ganitong pag-asa sa kanya ay naglilinis sa kanyang sarili, gaya naman niyang malinis. Ang sinumang gumagawa ng kasalanan ay lumalabag din naman sa kautusan; at ang kasalanan ay ang paglabag sa kautusan. Nalalaman ninyo na siya'y nahayag upang mag-alis ng mga kasalanan; at sa kanya'y walang kasalanan. Ang sinumang nananatili sa kanya ay hindi nagkakasala; sinumang nagkakasala ay hindi nakakita sa kanya, ni hindi nakakilala sa kanya. Mga munting anak, huwag kayong padaya kanino man. Ang gumagawa ng katuwiran ay matuwid, gaya niya na matuwid. Ang patuloy na gumagawa ng kasalanan ay sa diyablo; sapagkat buhat pa nang pasimula ay nagkakasala na ang diyablo. Dahil dito, nahayag ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo. Ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay hindi patuloy na nagkakasala, sapagkat ang kanyang binhi ay nananatili sa kanya at hindi siya maaaring magkasala, sapagkat siya'y ipinanganak ng Diyos. Sa ganito nahahayag ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng diyablo: ang sinumang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi sa Diyos, pati ang hindi umiibig sa kanyang kapatid. Sapagkat ito ang mensahe na inyong narinig buhat nang pasimula, na mag-ibigan tayo sa isa't isa, na hindi gaya ni Cain na siya'y sa masama, at pinaslang ang kanyang kapatid. At bakit niya ito pinaslang? Sapagkat ang kanyang mga gawa ay masasama at ang mga gawa ng kanyang kapatid ay matutuwid. Mga kapatid, huwag kayong magtaka, kung kayo'y kinapopootan ng sanlibutan. Nalalaman nating tayo'y dumaan na mula sa kamatayan patungo sa buhay, sapagkat iniibig natin ang isa't isa. Ang hindi umiibig ay nananatili sa kamatayan. Ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay isang mamamatay tao, at nalalaman ninyong ang buhay na walang hanggan ay hindi nananatili sa sinumang mamamatay tao. Dito natin nakikilala ang pag-ibig, sapagkat ibinigay niya ang kanyang buhay alang-alang sa atin; at nararapat nating ibigay ang ating mga buhay alang-alang sa mga kapatid. Subalit ang sinumang may mga pag-aari sa sanlibutang ito, at nakikita ang kanyang kapatid na nangangailangan, at pinagsasarhan niya ito ng kanyang damdamin, paanong nananatili ang pag-ibig ng Diyos sa kanya? Mga munting anak, huwag tayong umibig sa salita, ni sa dila kundi sa gawa at sa katotohanan. Dito natin makikilala na tayo'y mula sa katotohanan, at magkakaroon ng kapanatagan ang ating mga puso sa harapan niya, tuwing hahatulan tayo ng ating puso; sapagkat ang Diyos ay higit na dakila kaysa ating puso, at nalalaman niya ang lahat ng mga bagay. Mga minamahal, kung tayo'y hindi hinahatulan ng ating puso, tayo ay may kapanatagan sa harapan ng Diyos; at anumang ating hingin ay tinatanggap natin mula sa kanya, sapagkat tinutupad natin ang kanyang mga utos at ginagawa natin ang mga bagay na kalugud-lugod sa kanyang harapan. At ito ang kanyang utos, na manampalataya tayo sa pangalan ng kanyang Anak na si Jesu-Cristo, at tayo'y mag-ibigan sa isa't isa ayon sa ibinigay niyang utos sa atin. At ang tumutupad ng kanyang mga utos ay nananatili sa kanya, at siya sa kanya. At dito'y nakikilala natin na siya'y nananatili sa atin, sa pamamagitan ng Espiritu na kanyang ibinigay sa atin. Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan ang bawat espiritu, kundi inyong subukin ang mga espiritu, kung sila'y sa Diyos, sapagkat maraming lumitaw na mga bulaang propeta sa sanlibutan. Dito'y nakikilala ninyo ang Espiritu ng Diyos: ang bawat espiritung nagpapahayag na si Jesu-Cristo ay naparito sa laman ay sa Diyos, at ang bawat espiritung hindi ipinahahayag si Jesus, ay hindi sa Diyos. Ito ang espiritu ng anti-Cristo, na inyong narinig na darating at ngayo'y nasa sanlibutan na. Kayo'y sa Diyos, mga munting anak, at inyong dinaig sila sapagkat siyang nasa inyo ay higit na dakila kaysa sa nasa sanlibutan. Sila'y sa sanlibutan: kaya't tungkol sa sanlibutan ang kanilang sinasabi at pinapakinggan sila ng sanlibutan. Kami ay sa Diyos. Ang nakakakilala sa Diyos ay nakikinig sa amin at ang hindi sa Diyos ay hindi nakikinig sa amin. Dito'y ating nakikilala ang espiritu ng katotohanan at ang espiritu ng kamalian. Mga minamahal, mag-ibigan tayo sa isa't isa, sapagkat ang pag-ibig ay sa Diyos at ang bawat umiibig ay ipinanganak ng Diyos at nakakakilala sa Diyos. Ang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Diyos; sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. Dito nahayag ang pag-ibig ng Diyos sa atin, sapagkat sinugo ng Diyos ang kanyang bugtong na Anak sa sanlibutan upang tayo'y mabuhay sa pamamagitan niya. Narito ang pag-ibig, hindi sa tayo'y umibig sa Diyos, kundi siya ang umibig sa atin, at sinugo ang kanyang Anak na pantubos sa ating mga kasalanan. Mga minamahal, kung tayo'y inibig ng Diyos nang gayon, nararapat na mag-ibigan din naman tayo sa isa't isa. Walang nakakita kailanman sa Diyos; kung tayo'y nag-iibigan sa isa't isa, ang Diyos ay nananatili sa atin, at ang kanyang pag-ibig ay nagiging sakdal sa atin. Dito'y nalalaman namin na kami'y nananatili sa kanya at siya'y sa amin, sapagkat binigyan niya kami ng kanyang Espiritu. At nakita namin at sinasaksihan na sinugo ng Ama ang Anak bilang Tagapagligtas ng sanlibutan. Ang sinumang nagpapahayag na si Jesus ay Anak ng Diyos, ang Diyos ay nananahan sa kanya, at siya'y sa Diyos. At ating nalaman at sinampalatayanan ang pag-ibig ng Diyos para sa atin. Ang Diyos ay pag-ibig at ang nananatili sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili sa kanya. Dito'y naging ganap ang pag-ibig sa atin upang tayo'y magkaroon ng lubos na pagtitiwala sa araw ng paghuhukom; sapagkat kung ano siya, ay gayundin naman tayo sa sanlibutang ito. Walang takot sa pag-ibig kundi ang sakdal na pag-ibig ay nagpapalayas ng takot, sapagkat ang takot ay may kaparusahan at ang natatakot ay hindi pa nagiging sakdal sa pag-ibig. Tayo'y umiibig sapagkat siya ang unang umibig sa atin. Kung sinasabi ng sinuman, "Iniibig ko ang Diyos," at napopoot sa kanyang kapatid, siya ay sinungaling; sapagkat ang hindi umiibig sa kanyang kapatid na kanyang nakikita, ay hindi maaaring umibig sa Diyos na hindi niya nakita. At ang utos na ito na mula sa kanya ay nasa atin, na ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang kapatid. Ang sinumang sumasampalataya na si Jesus ay siyang Cristo ay ipinanganak ng Diyos, at ang bawat umiibig sa magulang ay umiibig din naman sa anak. Dito'y ating nakikilala na iniibig natin ang mga anak ng Diyos, kapag iniibig natin ang Diyos at tinutupad natin ang kanyang mga utos. Sapagkat ito ang pag-ibig sa Diyos, na ating tuparin ang kanyang mga utos at ang kanyang mga utos ay hindi pabigat. Sapagkat ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay dumadaig sa sanlibutan at ito ang tagumpay na dumadaig sa sanlibutan, ang ating pananampalataya. Sino ang dumadaig sa sanlibutan, kundi ang sumasampalatayang si Jesus ang Anak ng Diyos? Ito ang siyang naparito sa pamamagitan ng tubig at ng dugo, si Jesu-Cristo; hindi sa tubig lamang, kundi sa tubig at sa dugo. At ang Espiritu ang nagpapatotoo, sapagkat ang Espiritu ay katotohanan. Sapagkat may tatlong nagpapatotoo: ang Espiritu, ang tubig, at ang dugo; at ang tatlo ay nagkakaisa. Kung tinatanggap natin ang patotoo ng mga tao, ay higit na dakila ang patotoo ng Diyos, sapagkat ito ang patotoo ng Diyos na siya'y nagpapatotoo tungkol sa kanyang Anak. Ang sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay may patotoo sa kanyang sarili. Ang hindi sumasampalataya sa Diyos ay ginagawa siyang sinungaling, sapagkat hindi siya sumampalataya sa patotoo na ibinigay ng Diyos tungkol sa kanyang Anak. At ito ang patotoo, na tayo'y binigyan ng Diyos ng buhay na walang hanggan at ang buhay na ito ay nasa kanyang Anak. Ang kinaroroonan ng Anak ay kinaroroonan ng buhay; ang hindi kinaroroonan ng Anak ng Diyos ay hindi kinaroroonan ng buhay. Ang mga bagay na ito ay isinulat ko sa inyo upang inyong malaman na kayo'y mayroong buhay na walang hanggan sa inyong nananampalataya sa pangalan ng Anak ng Diyos. Ito ang ating kapanatagan sa kanya, na kung tayo'y humingi ng anumang bagay na ayon sa kanyang kalooban, tayo'y pinapakinggan niya. At kung ating nalalaman na tayo'y pinapakinggan niya sa anumang ating hingin, nalalaman natin na natanggap natin ang mga kahilingang hinihingi natin sa kanya. Kung makita ng sinuman ang kanyang kapatid na nagkakasala ng kasalanang hindi tungo sa kamatayan, ay idalangin siya at bibigyan siya ng Diyos ng buhay, na ukol sa mga nagkakasala ng hindi tungo sa kamatayan. May kasalanang tungo sa kamatayan, hindi tungkol dito ang sinasabi ko na idalangin ninyo. Lahat ng kalikuan ay kasalanan, at may kasalanang hindi tungo sa kamatayan. Alam natin na ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay hindi patuloy na nagkakasala; subalit ang ipinanganak ng Diyos ay nag-iingat sa kanyang sarili, at hindi siya ginagalaw ng masama. Alam natin na tayo'y sa Diyos at ang buong sanlibutan ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng masama. At alam natin na naparito ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pagkaunawa upang ating makilala siya na totoo; at tayo'y nasa kanya na totoo, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Ito ang tunay na Diyos, at buhay na walang hanggan. Mga munting anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyosan. Ang matanda sa hinirang na ginang at sa kanyang mga anak, na aking iniibig sa katotohanan, at hindi lamang ako, kundi pati ang lahat ng mga nakakaalam ng katotohanan, dahil sa katotohanan na nananatili sa atin, at sasaatin magpakailanman: Sumaatin nawa ang biyaya, kahabagan, at kapayapaang mula sa Diyos Ama at kay Jesu-Cristo, ang Anak ng Ama, sa katotohanan at sa pag-ibig. Ako'y labis na nagalak na aking natagpuan ang ilan sa iyong mga anak na lumalakad sa katotohanan, ayon sa utos na ating tinanggap mula sa Ama. Ngunit ngayo'y hinihiling ko sa iyo, ginang, na hindi para bang sinusulatan kita ng isang bagong utos, kundi ang ating tinanggap buhat nang pasimula, na tayo'y mag-ibigan sa isa't isa. At ito ang pag-ibig, na tayo'y lumakad ayon sa kanyang mga utos. Ito ang utos, na gaya ng inyong narinig nang pasimula, na doon kayo'y lumakad. Maraming mandaraya na lumitaw sa sanlibutan, yaong mga hindi kumikilala na si Jesu-Cristo ay naparito sa laman; ito ang mandaraya at ang anti-Cristo. Ingatan ninyo ang inyong sarili, upang huwag ninyong maiwala ang mga bagay na aming pinagpaguran, kundi upang tumanggap kayo ng lubos na gantimpala. Ang sinumang lumalampas at hindi nananatili sa aral ni Cristo, ay hindi kinaroroonan ng Diyos; ang nananatili sa aral ay kinaroroonan ng Ama at gayundin ng Anak. Kung sa inyo'y dumating ang sinuman at hindi dala ang aral na ito, huwag ninyong tanggapin sa inyong bahay, at huwag ninyo siyang batiin, sapagkat ang bumabati sa kanya ay nakikibahagi sa kanyang masasamang gawa. Kahit na marami akong bagay na isusulat sa inyo, minabuti kong huwag ng gumamit ng papel at tinta, kundi inaasahan kong pumariyan sa inyo at makipag-usap nang harapan, upang malubos ang ating kagalakan. Ang mga anak ng iyong hinirang na kapatid na babae ay bumabati sa iyo. Ang matanda, kay Gayo na minamahal, na aking iniibig sa katotohanan. Minamahal, aking idinadalangin na sa lahat ng mga bagay ay mapabuti ka at magkaroon ng kalusugan, kung paanong nasa mabuti ring kalagayan ang iyong kaluluwa. Ako'y labis na nagalak nang dumating ang mga kapatid at nagpatotoong ikaw ay nasa katotohanan, kung paanong lumalakad ka sa katotohanan. Wala ng higit pang kagalakan sa ganang akin na gaya nito, na marinig na ang aking mga anak ay lumalakad sa katotohanan. Minamahal, ginagawa mo ang tapat na gawa tuwing gagawa ka ng paglilingkod sa mga kapatid, at gayundin sa mga taga-ibang bayan, sila'y nagpatotoo sa harap ng iglesya tungkol sa iyong pag-ibig. Mabuti ang magagawa mo kung isusugo mo sila sa kanilang paglalakbay sa paraang nararapat sa Diyos; sapagkat humayo sila alang-alang sa Pangalan, na hindi tumanggap ng anuman mula sa mga Hentil. Kaya't nararapat nating tustusan ang mga gayong tao, upang tayo'y maging mga kamanggagawa sa katotohanan. Ako'y sumulat ng ilang bagay sa iglesya, ngunit hindi kami tinatanggap ni Diotrefes na nagnanais maging pangunahin sa kanila. Kaya't pagdating ko riyan, ay ipapaalala ko ang kanyang mga ginagawa, na nagsasalita ng masasamang salita laban sa amin. At hindi pa nasisiyahan sa ganito, hindi niya tinatanggap ang mga kapatid, at hinahadlangan ang mga nagnanais tumanggap sa kanila at pinapalayas sila sa iglesya. Minamahal, huwag mong tularan ang masama, kundi ang mabuti. Ang gumagawa ng mabuti ay sa Diyos; ang gumagawa ng masama ay hindi nakakita sa Diyos. Si Demetrio ay pinatototohanan ng lahat at ng katotohanan mismo; kami rin ay nagpapatotoo tungkol sa kanya at nalalaman mo na ang aming patotoo ay tunay. Marami akong isusulat sa iyo, ngunit hindi ko ibig isulat sa iyo sa pamamagitan ng tinta at panulat; inaasahan kong makita ka agad at tayo'y mag-usap nang harapan. [ Ang kapayapaa'y sumainyo nawa. Binabati ka ng mga kaibigan. Batiin mo ang mga kaibigan sa kanikanilang pangalan.] Si Judas, na alipin ni Jesu-Cristo at kapatid ni Santiago, sa mga tinawag, na minamahal ng Diyos Ama, at iniingatan para kay Jesu-Cristo: Ang kaawaan, kapayapaan at pag-ibig ay pasaganain nawa sa inyo. Mga minamahal, samantalang ako'y lubusang nagsisikap na sumulat sa inyo tungkol sa ating iisang kaligtasan, natagpuan kong kailangang sumulat upang himukin kayo na ipaglaban ang pananampalataya na minsanang ibinigay sa mga banal. Sapagkat may ilang taong nakapasok nang lihim, ang mga iyon ay matagal nang itinalaga sa kahatulang ito, mga hindi maka-Diyos, na kanilang pinalitan ng kahalayan ang biyaya ng ating Diyos, at itinatatuwa ang kaisa-isa nating Pinuno at Panginoon na si Jesu-Cristo. Ngayon ay nais kong ipaalala sa inyo, bagama't alam na alam ninyo ang mga bagay na ito, na minsang iniligtas ng Panginoon ang isang bayan mula sa lupain ng Ehipto, pagkatapos ay nilipol niya ang mga hindi sumampalataya. At ang mga anghel na hindi nag-ingat ng kanilang sariling katungkulan, kundi iniwan ang kanilang sariling tirahan, ay iginapos niya sa mga tanikalang walang hanggan sa pinakamalalim na kadiliman hanggang sa paghuhukom sa dakilang araw. Gayundin ang Sodoma at Gomorra, at ang mga lunsod sa palibot ng mga ito, na gumawa naman ng pakikiapid at nalulong sa kakaibang laman, ay inilagay bilang halimbawa, na nagdaranas ng kaparusahan sa apoy na walang hanggan. Gayunma'y ang mga ito rin na mahilig managinip ay dinudumihan ang laman, at hinahamak ang mga may kapangyarihan at nilalait ang mga maluwalhating mga anghel. Subalit si Miguel na arkanghel nang makipaglaban sa diyablo, at nakipagtalo tungkol sa katawan ni Moises, ay hindi nangahas gumamit ng isang hatol na may pag-alipusta laban sa kanya, kundi sinabi, "Sawayin ka nawa ng Panginoon." Subalit inaalipusta ng mga ito ang anumang bagay na hindi nila nauunawaan, at sa pamamagitan ng mga bagay na likas nilang nalalaman, kagaya ng mga hayop na walang pag-iisip, sila'y winawasak. Kahabag-habag sila! Sapagkat sila'y lumakad sa daan ni Cain, at sumunggab sa kamalian ni Balaam dahil sa upa, at napahamak sa paghihimagsik ni Kora. Ang mga taong ito'y pawang mga batong natatago sa inyong mga pagsasalu-salong may pag-ibig kapag sila'y nakikipagsalo sa inyo nang walang takot, na ang pinapangalagaan lamang ay ang kanilang sarili. Sila'y mga ulap na walang tubig, na tinatangay ng mga hangin; mga punungkahoy na walang bunga sa pagtatapos ng taglagas, na dalawang ulit na namatay, na binunot hanggang ugat; nagngangalit na alon sa dagat, na pinabubula ang kanilang sariling kahihiyan; mga pagala-galang bituin, na silang pinaglaanan ng pusikit na kadiliman magpakailanman. At sa mga ito rin naman si Enoc, na ikapitong salinlahi mula kay Adan, ay nagpahayag na sinasabi, "Narito, dumating ang Panginoon na kasama ang kanyang laksa-laksang mga banal, upang igawad ang hatol sa lahat at upang sumbatan ang bawat kaluluwa sa lahat ng kanilang masamang gawa na kanilang ginawang may kalikuan, at sa lahat ng mga bagay na malupit na sinalita sa kanya ng mga hindi maka-Diyos na makasalanan." Ang mga iyon ay mga mapagbulong, mga mareklamo, na lumalakad ayon sa kanilang mga sariling pagnanasa at ang kanilang bibig ay nagsasalita ng mga pagmamataas, na pakunwaring pumupuri sa mga tao para sa sariling kapakinabangan. Ngunit kayo, mga minamahal, alalahanin ninyo ang mga salitang sinabi noong una ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sapagkat sinabi nila sa inyo, "Magkakaroon ng mga manlilibak sa huling panahon, na lumalakad ayon sa kanilang sariling masasamang pagnanasa." Ang mga ito ang lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, mga taong makamundo, na mga hindi nagtataglay ng Espiritu. Ngunit kayo, mga minamahal, patatagin ninyo ang inyong sarili sa inyong kabanal-banalang pananampalataya; manalangin sa Espi-ritu Santo; ingatan ninyo ang inyong sarili sa pag-ibig ng Diyos, na inyong hintayin ang habag ng ating Panginoong Jesu-Cristo tungo sa buhay na walang hanggan. At ang ibang nag-aalinlangan ay inyong kahabagan; ang iba'y inyong iligtas, na agawin ninyo mula sa apoy; at ang iba'y inyong kahabagan na may takot; na inyong kapootan maging ang damit na nadungisan ng laman. Ngayon sa kanya na may kakayahang mag-ingat sa inyo mula sa pagkatisod, at sa inyo'y makapaghaharap na walang kapintasan sa harapan ng kanyang kaluwalhatian na may malaking kagalakan, sa iisang Diyos na ating Taga-pagligtas, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon, sumakanya nawa ang kaluwalhatian, ang karangalan, ang kapangyarihan at ang kapamahalaan, bago pa ang lahat ng panahon, at ngayon at magpakailanman. Amen. Ang apocalipsis ni Jesu-Cristo, na ibinigay ng Diyos sa kanya upang ipahayag sa kanyang mga alipin ang mga bagay na kinakailangang mangyari sa madaling panahon, at kanyang ipinaalam ito sa pamamagitan ng mga sagisag at pagsusugo ng kanyang anghel sa kanyang aliping si Juan, na siyang sumaksi sa salita ng Diyos at sa patotoo ni Jesu-Cristo, sa lahat ng bagay na nakita niya. Mapalad ang bumabasa at ang nakikinig ng mga salita ng propesiya at tumutupad ng mga bagay na nasusulat dito, sapagkat ang panahon ay malapit na. Si Juan sa pitong iglesya na nasa Asia: Biyaya ang sumainyo at kapayapaang mula sa kanya na siyang ngayon, ang nakaraan at ang darating; at mula sa pitong espiritu na nasa harapan ng kanyang trono; at mula kay Jesu-Cristo na siyang saksing tapat, ang panganay mula sa mga patay, at ang pinuno ng mga hari sa lupa. Doon sa umiibig sa atin, at sa nagpalaya sa atin mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang dugo; at ginawa tayong kaharian, mga pari sa kanyang Diyos at Ama; sumakanya ang kaluwalhatian at ang paghahari magpakailanpaman. Amen. Tingnan ninyo, siya'y dumarating na nasa mga ulap; at makikita siya ng bawat mata, at ng mga umulos sa kanya; at ang lahat ng mga lipi sa lupa ay tatangis dahil sa kanya. Gayon nga. Amen. "Ako ang Alpha at ang Omega," sabi ng Panginoong Diyos, na siyang ngayon at ang nakaraan at ang darating, ang Makapangyarihan sa lahat. Akong si Juan, na inyong kapatid at inyong karamay sa kapighatian at sa kaharian at sa pagtitiis alang-alang kay Jesus ay nasa pulo na tinatawag na Patmos, dahil sa salita ng Diyos at sa patotoo ni Jesus. Ako'y nasa Espiritu nang araw ng Panginoon, at narinig ko sa aking likuran ang malakas na tinig na tulad sa isang trumpeta, na nagsasabi, "Ang iyong nakikita ay isulat mo sa isang aklat at iyong ipadala sa pitong iglesya, sa Efeso, sa Smirna, sa Pergamo, sa Tiatira, sa Sardis, sa Filadelfia, at sa Laodicea." Ako'y lumingon upang makita kung kanino ang tinig na nagsasalita sa akin. At sa aking paglingon, nakita ko ang pitong gintong ilawan, at sa gitna ng mga ilawan ay may isang katulad ng isang Anak ng Tao, na may suot na damit na hanggang sa paa, at may gintong bigkis sa kanyang dibdib. At ang kanyang ulo at ang kanyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibo ng tupa, gaya ng niebe; at ang kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; at ang kanyang mga paa ay katulad ng tansong pinakintab, na parang dinalisay sa isang pugon; at ang kanyang tinig ay gaya ng ingay ng maraming tubig. Sa kanyang kanang kamay ay may pitong bituin at mula sa kanyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim, at ang kanyang mukha ay gaya ng araw na matinding sumisikat. Nang siya'y aking makita, ako'y parang patay na bumagsak sa kanyang paanan. Ngunit ipinatong niya sa akin ang kanyang kanang kamay, na sinasabi, "Huwag kang matakot; ako ang una at ang huli, at ang nabubuhay. Ako'y namatay, at tingnan mo, ako'y nabubuhay magpakailanpaman, at nasa akin ang mga susi ng kamatayan at ng Hades. Kaya't isulat mo ang mga bagay na nakita mo, at ang mga bagay ngayon, at ang mga bagay na mangyayari pagkatapos ng mga bagay na ito. Ang hiwaga ng pitong bituin na iyong nakita sa aking kanang kamay, at ang pitong gintong ilawan; ang pitong bituin ay ang mga anghel ng pitong iglesya; at ang pitong ilawan ay ang pitong iglesya. "Sa anghel ng iglesya sa Efeso ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may hawak ng pitong bituin sa kanyang kanang kamay, na lumalakad sa gitna ng pitong gintong ilawan. "Alam ko ang iyong mga gawa, ang iyong paggawa at pagtitiyaga, at hindi mo mapagtiisan ang masasamang tao, at sinubok mo ang mga nagsasabing sila'y mga apostol, ngunit sila'y hindi gayon, at natuklasan mo silang pawang mga sinungaling. Alam ko ring ikaw ay may pagtitiis at nagsikap ka dahil sa aking pangalan, at hindi ka napagod. Ngunit ito ang hindi ko gusto laban sa iyo: iniwan mo ang iyong unang pag-ibig. Kaya't alalahanin mo kung saan ka nahulog, magsisi ka at gawin mo ang mga bagay na ginawa mo noong una. Kung hindi, darating ako sa iyo at aalisin ko ang iyong ilawan mula sa kinalalagyan nito, malibang magsisi ka. Ngunit ito ang mabuti na nasa iyo: kinapopootan mo ang mga gawa ng mga Nicolaita na kinapopootan ko rin. Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya. Ang magtagumpay ay siya kong pakakainin sa punungkahoy ng buhay na nasa paraiso ng Diyos. "At sa anghel ng iglesya sa Smirna ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng una at ng huli, na namatay at muling nabuhay. "Alam ko ang iyong kapighatian, at ang iyong karalitaan, ngunit ikaw ay mayaman. Alam ko ang paninirang puri ng mga nagsasabing sila'y mga Judio ngunit hindi naman, kundi sila ay isang sinagoga ni Satanas. Huwag mong katakutan ang mga bagay na malapit mo nang danasin. Malapit nang ikulong ng diyablo ang ilan sa inyo, upang kayo'y masubok; at magkakaroon kayo ng kapighatian sa loob ng sampung araw. Maging tapat ka hanggang sa kamatayan, at ibibigay ko sa iyo ang korona ng buhay. Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya. Ang magtagumpay ay hindi masasaktan ng ikalawang kamatayan. "At sa anghel ng iglesya sa Pergamo ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may matalas na tabak na may dalawang talim. "Alam ko kung saan ka naninirahan, sa kinaroroonan ng trono ni Satanas. Ngunit iniingatan mong mabuti ang aking pangalan, at hindi mo ipinagkaila ang pananampalataya mo sa akin, kahit nang mga araw ni Antipas na aking tapat na saksi, na pinatay sa gitna ninyo, kung saan nakatira si Satanas. Subalit mayroon akong ilang bagay na laban sa iyo: sapagkat mayroon ka diyang ilan na sumusunod sa aral ni Balaam, na siyang nagturo kay Balak na maglagay ng katitisuran sa harapan ng mga anak ni Israel, upang kumain sila ng mga bagay na inihandog sa mga diyus-diyosan at upang makiapid. Gayundin naman, mayroon kang ilan na sumusunod sa aral ng mga Nicolaita. Kaya't magsisi ka. Kung hindi, madali akong darating sa iyo, at didigmain ko sila ng tabak ng aking bibig. Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya. Ang magtagumpay ay bibigyan ko ng nakatagong mana, at siya'y bibigyan ko ng isang batong puti, at sa ibabaw ng bato ay may nakasulat na isang bagong pangalan, na walang nakakaalam kundi ang tumatanggap. "At sa anghel ng iglesya sa Tiatira ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng Anak ng Diyos, na may mga matang gaya ng ningas ng apoy, at ang kanyang mga paa ay gaya ng tansong pinakintab. "Alam ko ang iyong mga gawa, ang iyong pag-ibig, pananampalataya, paglilingkod at pagtitiis, at ang iyong mga huling gawa ay higit kaysa mga una. Ngunit ito ang hindi ko gusto laban sa iyo: pinahintulutan mo ang babaing si Jezebel, na tinatawag ang kanyang sarili na propeta at kanyang tinuturuan at nililinlang ang aking mga lingkod upang makiapid at kumain ng mga bagay na inihandog sa mga diyus-diyosan. Binigyan ko siya ng panahon upang makapagsisi; ngunit ayaw niyang magsisi sa kanyang pakikiapid. Akin siyang iniraratay sa higaan at ang mga nakikiapid sa kanya ay ihahagis ko sa malaking kapighatian, maliban na kung sila'y magsisi sa kanyang mga gawa. Papatayin ko ng salot ang kanyang mga anak. At malalaman ng lahat ng mga iglesya na ako ang sumisiyasat ng mga pag-iisip at ng mga puso, at bibigyan ko ang bawat isa sa inyo ng ayon sa inyong mga gawa. Subalit sinasabi ko sa inyo, sa mga iba na nasa Tiatira, sa mga hindi nagtataglay ng aral na ito, sa mga hindi natuto ng gaya ng sinasabi ng iba 'na mga malalalim na bagay ni Satanas,' hindi ako naglalagay sa inyo ng ibang pabigat. Gayunma'y ang nasa inyo'y panghawakan ninyong matibay hanggang sa ako'y dumating. Sa bawat nagtatagumpay at tumutupad ng aking mga gawa hanggang sa wakas, ay bibigyan ko ng pamamahala sa mga bansa; at sila'y pangungunahan niya sa pamamagitan ng isang pamalong bakal, gaya ng pagkadurog ng mga palayok, kung paanong tumanggap din ako ng kapangyarihan mula sa aking Ama; ay ibibigay ko sa kanya ang tala sa umaga. Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya. "At sa anghel ng iglesya sa Sardis ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may pitong Espiritu ng Diyos at may pitong bituin: "Alam ko ang iyong mga gawa, sa pangalan ikaw ay nabubuhay, ngunit ikaw ay patay. Gumising ka, at palakasin mo ang mga bagay na natitira, na malapit nang mamatay, sapagkat hindi ko natagpuang ganap ang iyong mga gawa sa harapan ng aking Diyos. Kaya't alalahanin mo kung paano mo ito tinanggap at narinig; tuparin mo ito at magsisi ka. Kaya't kung hindi ka gigising, darating akong gaya ng magnanakaw, at hindi mo malalaman kung anong oras ako darating sa iyo. Ngunit mayroon ka pang ilan sa Sardis na hindi dinungisan ang kanilang mga damit; at sila'y kasama kong lalakad na nakaputi, sapagkat sila'y karapat-dapat. Ang magtagumpay ay bibihisang gayon ng mapuputing damit; at hindi ko kailanman papawiin ang kanyang pangalan sa aklat ng buhay. At ipahahayag ko ang kanyang pangalan sa harapan ng aking Ama, at sa harapan ng kanyang mga anghel. Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya. "At sa anghel ng iglesya sa Filadelfia ay isulat mo: "Ang mga bagay na ito ang sinasabi ng banal, ng totoo, na may susi ni David, na nagbubukas at hindi maisasara ng sinuman, na nagsasara at walang makakapagbukas. "Alam ko ang iyong mga gawa. Tingnan mo, inilagay ko sa harapan mo ang isang pintong bukas, na hindi maisasara ng sinuman. Alam kong ikaw ay may kaunting kapangyarihan, ngunit tinupad mo ang aking salita, at hindi mo itinakuwil ang aking pangalan. Ibinibigay ko sa mga sinagoga ni Satanas na nagsasabing sila'y mga Judio, at sila'y hindi, kundi nagsisinungaling: sila'y aking papupuntahin at pasasambahin sa harap ng iyong mga paa, at malalaman nilang ikaw ay aking inibig. Sapagkat tinupad mo ang salita ng aking pagtitiis, ikaw naman ay aking iingatan sa oras ng pagsubok na darating sa buong daigdig, upang subukin ang mga naninirahan sa ibabaw ng lupa. Ako'y dumarating na madali; panghawakan mong matibay ang nasa iyo, upang walang makaagaw ng iyong korona. Ang magtagumpay ay gagawin kong haligi sa templo ng aking Diyos, at hindi na siya lalabas pa roon, at isusulat ko sa kanya ang pangalan ng aking Diyos, at ang pangalan ng lunsod ng aking Diyos, ang bagong Jerusalem, na bumababa buhat sa langit, mula sa aking Diyos, at ang aking sariling bagong pangalan. Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya. "At sa anghel ng iglesya sa Laodicea ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng Amen, ng saksing tapat at totoo, nang pasimula ng paglalang ng Diyos: "Alam ko ang iyong mga gawa; ikaw ay hindi malamig o mainit man. Ibig ko sanang ikaw ay malamig o mainit. Kaya, dahil ikaw ay malahininga, at hindi mainit o malamig man, ay isusuka kita mula sa aking bibig. Sapagkat sinasabi mo, 'Ako'y mayaman, at naging mariwasa at hindi ako nangangailangan ng anuman.' Hindi mo nalalamang ikaw ay aba, kahabag-habag, maralita, bulag at hubad. Ipinapayo ko sa iyo na bumili ka sa akin ng gintong dinalisay ng apoy upang ikaw ay yumaman, at ng mapuputing damit upang iyong maisuot, at upang huwag mahayag ang iyong kahiyahiyang kahubaran, at ng pampahid na ilalagay sa iyong mga mata, upang ikaw ay makakita. Ang lahat na aking iniibig ay aking sinasaway at dinidisiplina. Ikaw nga'y magsikap, at magsisi. Makinig ka! Ako'y nakatayo sa may pintuan at tumutuktok; kung diringgin ng sinuman ang aking tinig at buksan ang pinto, ako'y papasok sa kanya, at kakaing kasalo niya, at siya'y kasalo ko. Ang magtagumpay ay pagkakalooban ko na umupong kasama ko sa aking trono, gaya ko naman na nagtagumpay at umupong kasama ng aking Ama sa kanyang trono. Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya." Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at naroon, ang isang pintong bukas sa langit! At ang unang tinig na aking narinig na nagsasalita sa akin, na gaya ng sa trumpeta, ay nagsabi, "Umakyat ka rito, at ipapakita ko sa iyo ang mga bagay na kailangang mangyari pagkatapos ng mga bagay na ito." Ako'y biglang nasa Espiritu, at doon sa langit ay may isang tronong nakalagay at sa trono ay may isang nakaupo. At ang nakaupo doon ay may anyong katulad ng batong jaspe at sardio, at naliligid ang trono ng isang bahaghari na tulad ng esmeralda. At sa palibot ng trono ay may dalawampu't apat na trono, at ang nakaupo sa mga trono ay dalawampu't apat na matatanda, na nakasuot ng mapuputing damit; at sa kanilang mga ulo ay may mga koronang ginto. At mula sa trono ay may lumalabas na kidlat, at mga tinig at mga dagundong ng kulog, at may pitong nagniningas na sulo ng apoy sa harapan ng trono, na siyang pitong Espiritu ng Diyos; at sa harapan ng trono, ay may parang isang dagat na salamin na katulad ng kristal. At sa gitna ng trono, at sa palibot ng trono ay may apat na nilalang na buhay na puno ng mga mata sa harapan at sa likuran. Ang unang nilalang ay tulad ng isang leon, ang ikalawang nilalang ay tulad ng isang baka, ang ikatlong nilalang ay may mukha ng isang tao, at ang ikaapat na nilalang ay tulad ng isang agilang lumilipad. At ang apat na nilalang na buhay, na may anim na pakpak ang bawat isa sa kanila, ay puno ng mga mata sa palibot at sa loob; at sila'y walang humpay na nagsasabi araw at gabi, "Banal, banal, banal, ang Panginoong Diyos, ang Makapangyarihan sa lahat, ang noon at ang ngayon at ang darating!" At kapag ang mga nilalang na buhay ay nagbibigay ng kaluwalhatian, karangalan, at pasasalamat sa nakaupo sa trono, doon sa nabubuhay magpakailanpaman, ang dalawampu't apat na matatanda ay nagpapatirapa sa harapan ng nakaupo sa trono, at sumasamba doon sa nabubuhay magpakailanpaman; at inihahagis nila ang kanilang mga korona sa harapan ng trono, na nagsasabi, "Karapat-dapat ka, O Panginoon at Diyos namin, na tumanggap ng kaluwalhatian at karangalan at kapangyarihan, sapagkat nilikha mo ang lahat ng mga bagay at dahil sa iyong kalooban ay nabuhay sila at nalikha. At nakita ko sa kanang kamay ng nakaupo sa trono ang isang aklat na may sulat sa loob at sa likod, na tinatakan ng pitong tatak. At nakita ko ang isang makapangyarihang anghel na nagpapahayag sa malakas na tinig, "Sino ang karapat-dapat magbukas ng aklat at magtanggal ng mga tatak nito?" At walang sinuman sa langit, o sa ibabaw man ng lupa, o sa ilalim man ng lupa, ang makapagbukas ng aklat o makatingin man sa loob nito. Ako'y labis na umiyak, sapagkat walang natagpuang sinuman na karapat-dapat magbukas ng aklat, o tumingin sa loob nito. At sinabi sa akin ng isa sa matatanda, "Huwag kang umiyak. Tingnan mo, ang Leon sa lipi ni Juda, ang Ugat ni David, ay nagtagumpay upang mabuksan niya ang aklat at ang pitong tatak nito. Pagkatapos ay nakita ko sa gitna ng trono at ng apat na nilalang na buhay at sa gitna ng matatanda ang isang Korderong nakatayo, na tulad sa isang pinaslang, na may pitong sungay at pitong mata na siyang pitong Espiritu ng Diyos, na sinugo sa buong daigdig. Siya'y lumapit, at kinuha ang aklat sa kanang kamay ng nakaluklok sa trono. Pagkakuha niya sa aklat, ang apat na nilalang na buhay at ang dalawampu't apat na matatanda ay nagpatirapa sa harapan ng Kordero na ang bawat isa'y may alpa, at mga mangkok na ginto na puno ng insenso, na siyang mga panalangin ng mga banal. At sila'y nag-aawitan ng isang bagong awit, na nagsasabi, "Ikaw ay karapat-dapat na kumuha sa aklat at magbukas ng mga tatak nito, sapagkat ikaw ay pinatay, at sa pamamagitan ng iyong dugo ay binili mo para sa Diyos ang mga tao mula sa bawat lipi, wika, bayan, at bansa. At sila'y iyong ginawang isang kaharian at mga pari para sa aming Diyos; at sila'y maghahari sa ibabaw ng lupa." Nakita ko at narinig ang tinig ng maraming mga anghel sa palibot ng trono at ng mga nilalang na buhay at ng matatanda; at ang bilang nila ay milyun-milyon at libu-libo, na nagsasabi ng may malakas na tinig, "Ang Kordero na pinaslang ay karapat-dapat tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan, karangalan, kaluwalhatian, at kapurihan." At ang bawat bagay na nilalang na nasa langit, at nasa ibabaw ng lupa, at nasa ilalim ng lupa, at nasa ibabaw ng dagat, at lahat ng mga bagay na nasa mga ito ay narinig kong nagsasabi, "Sa kanya na nakaupo sa trono at sa Kordero ay ang kapurihan, karangalan, kaluwalhatian, at kapangyarihan, magpakailanpaman. At ang apat na nilalang nabuhay ay nagsabi, 'Amen!" At ang matatanda ay nagpatirapa at sumamba. Pagkatapos ay nakita ko nang buksan ng Kordero ang isa sa pitong tatak, at narinig ko ang isa sa apat na nilalang na buhay, na nagsalitang gaya ng tunog ng kulog, "Halika!" Tumingin ako at nakita ko ang isang kabayong puti, at ang nakasakay doon ay may isang pana; binigyan siya ng isang korona at siya'y humayong lumulupig, at upang lumupig. Nang buksan niya ang ikalawang tatak ay narinig ko ang ikalawang nilalang na buhay, na nagsasabi, "Halika!" At may lumabas na isa pang pulang kabayo at ang nakasakay doon ay pinagkaloobang alisin sa lupa ang kapayapaan upang magpatayan ang isa't isa; at binigyan siya ng isang malaking tabak. Nang buksan niya ang ikatlong tatak, narinig ko ang ikatlong nilalang na buhay, na nagsasabi, "Halika!" At nakita ko, ang isang kabayong itim; at ang nakasakay rito ay may isang timbangan sa kanyang kamay. At narinig ko ang gaya ng isang tinig sa gitna ng apat na nilalang na buhay na nagsasabi, "Isang takal na trigo para sa isang denario at sa isang denario ay tatlong takal na sebada; ngunit huwag mong pinsalain ang langis at ang alak!" Nang buksan niya ang ikaapat na tatak ay narinig ko ang tinig ng ikaapat na nilalang na buhay na nagsasabi, "Halika!" Tumingin ako at naroon ang isang kabayong maputla, at ang nakasakay roon ay may pangalang Kamatayan at ang Hades ay sumusunod sa kanya. At sila'y pinagkalooban ng kapangyarihan sa ikaapat na bahagi ng lupa na pumatay sa pamamagitan ng tabak, at ng taggutom, ng salot, at ng mababangis na hayop sa lupa. Nang buksan niya ang ikalimang tatak ay nakita ko sa ilalim ng dambana ang mga kaluluwa ng mga pinaslang dahil sa salita ng Diyos, at dahil sa patotoong taglay nila. Sila'y sumigaw nang may malakas na tinig, "Kailan pa, O Makapangyarihang Panginoon, banal at totoo, bago mo hatulan at ipaghiganti ang aming dugo sa mga naninirahan sa ibabaw ng lupa?" At binigyan ang bawat isa sa kanila ng isang puting balabal at sa kanila'y sinabi na magpahinga pa sila ng kaunting panahon, hanggang sa mabuo ang bilang ng kanilang mga kapwa alipin at ng kanilang mga kapatid, na mga papataying tulad nila. Nang buksan niya ang ikaanim na tatak, nagkaroon ng malakas na lindol; at ang araw ay umitim na gaya ng damit sako at ang bilog na buwan ay naging gaya ng dugo; at ang mga bituin sa langit ay nahulog sa lupa, gaya ng puno ng igos na nalalaglag ang kanyang mga bungang bubot kapag inuuga ng malakas na hangin. Ang langit ay nahawi na gaya ng isang balumbong nilululon, at ang bawat bundok at pulo ay naalis sa kanilang kinalalagyan. Ang mga hari sa lupa, ang mga prinsipe, ang mga pinuno ng hukbo, ang mayayaman, ang malalakas at ang bawat alipin at ang bawat malaya, ay nagtago sa mga yungib, sa mga bato at sa mga bundok; at sinasabi nila sa mga bundok at sa mga bato, "Mahulog kayo sa amin at itago ninyo kami mula sa mukha ng nakaupo sa trono, at mula sa poot ng Kordero; sapagkat dumating na ang dakilang araw ng kanilang pagkapoot, at sino ang makakatagal?" Pagkatapos nito ay nakakita ako ng apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng lupa, na pinipigil ang apat na hangin ng lupa, upang huwag humihip ang hangin sa lupa, o sa dagat man, o sa anumang punungkahoy. At nakita ko ang isa pang anghel na umaakyat mula sa sikatan ng araw, na taglay ang tatak ng Diyos na buhay at siya'y sumigaw ng may malakas na tinig sa apat na anghel na pinagkalooban ng kapangyarihang pinsalain ang lupa at ang dagat, na nagsasabi, "Huwag ninyong pinsalain ang lupa, o ang dagat, o ang mga punung-kahoy, hanggang sa aming matatakan sa kanilang mga noo ang mga alipin ng ating Diyos." At narinig ko ang bilang ng mga tinatakan, 144,000, tinatakan mula sa bawat lipi ng mga anak ni Israel: Sa lipi ni Juda ay 12,000 ang tinatakan; sa lipi ni Ruben ay 12,000; sa lipi ni Gad ay 12,000; sa lipi ni Aser ay 12,000; sa lipi ni Neftali ay 12,000; sa lipi ni Manases ay 12,000; sa lipi si Simeon ay 12,000; sa lipi ni Levi ay 12,000; sa lipi ni Isacar ay 12,000; sa lipi ni Zebulon ay 12,000; sa lipi ni Jose ay 12,000; sa lipi ni Benjamin ay 12,000 ang tinatakan. Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at naroon, ang napakaraming tao na di mabilang ng sinuman, mula sa bawat bansa, sa lahat ng mga lipi, mga bayan at mga wika, na nakatayo sa harapan ng trono at sa harapan ng Kordero, na nakasuot ng mapuputing damit, at may mga sanga ng palma sa kanilang mga kamay; at nagsisigawan ng may malakas na tinig, na nagsasabi, "Ang pagliligtas ay sa aming Diyos na nakaupo sa trono, at sa Kordero!" At ang lahat ng mga anghel ay tumayo sa palibot ng trono, at ng matatanda at ng apat na nilalang na buhay at sila'y nagpatirapa sa harapan ng trono at sumamba sa Diyos, na nagsasabi, "Amen! Ang pagpapala, kaluwalhatian, karunungan, pagpapasalamat, karangalan, kapangyarihan, at kalakasan, ay sa aming Diyos magpakailanpaman. Amen." At sumagot ang isa sa matatanda na nagsasabi sa akin, "Ang mga ito na may suot ng mapuputing damit, sino ba sila at saan sila nanggaling?" Sinabi ko sa kanya, "Ginoo, ikaw ang nakakaalam." At sinabi niya sa akin, "Ang mga ito ang nanggaling sa malaking kapighatian, at naghugas ng kanilang mga damit at pinaputi ang mga ito sa dugo ng Kordero. Kaya't sila'y nasa harapan ng trono ng Diyos at naglilingkod sa kanya araw at gabi sa kanyang templo; at siyang nakaupo sa trono ay kakanlungan sila. Sila'y hindi na magugutom pa, ni mauuhaw man; ni hindi na sila tatamaan ng araw, o ng anumang nakakapasong init, sapagkat ang Kordero na nasa gitna ng trono ay siyang magiging pastol nila, at sila'y papatnubayan patungo sa mga bukal ng tubig ng buhay; at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata." Nang buksan ng Kordero ang ikapitong tatak ay nagkaroon ng katahimikan sa langit ng may kalahating oras. At nakita ko ang pitong anghel na nakatayo sa harapan ng Diyos at sila'y binigyan ng pitong trumpeta. Dumating ang isa pang anghel at tumayo sa harap ng dambana, na may hawak na isang gintong lalagyan ng insenso; at binigyan siya ng maraming insenso, upang idagdag ito sa mga panalangin ng lahat ng mga banal sa ibabaw ng dambanang ginto, na nasa harapan ng trono. At umakyat ang usok ng insenso, kalakip ng mga panalangin ng mga banal, mula sa kamay ng anghel patungo sa harapan ng Diyos. At kinuha ng anghel ang lalagyan ng insenso at pinuno niya ng apoy ng dambana, itinapon niya sa lupa at nagkaroon ng mga kulog, mga tunog, mga kidlat, at ng lindol. At ang pitong anghel na may pitong trumpeta ay naghanda upang hipan ang mga trumpeta. Hinipan ng unang anghel ang kanyang trumpeta at umulan ng yelo at apoy na may halong dugo, at itinapon ang mga ito sa lupa. Ang ikatlong bahagi ng lupa ay nasunog, at ang ikatlong bahagi ng mga punung-kahoy ay nasunog, at ang lahat ng luntiang damo ay nasunog. Hinipan ng ikalawang anghel ang kanyang trumpeta at ang tulad sa isang malaking bundok na nagliliyab sa apoy ay itinapon sa dagat. Ang ikatlong bahagi ng dagat ay naging dugo, namatay ang ikatlong bahagi ng mga nilalang na may buhay na nasa dagat at ang ikatlong bahagi ng mga barko ay nawasak. Hinipan ng ikatlong anghel ang kanyang trumpeta at nahulog mula sa langit ang isang malaking bituin, na nagliliyab na gaya ng isang sulo, at nahulog sa ikatlong bahagi ng mga ilog, at sa mga bukal ng tubig. Ang pangalan ng bituin ay Halamang Mapait at ang ikatlong bahagi ng tubig ay naging mapait at maraming tao ang namatay dahil sa tubig, sapagkat ito ay mapait. Hinipan ng ikaapat na anghel ang kanyang trumpeta at tinamaan ang ikatlong bahagi ng araw, ang ikatlong bahagi ng buwan, at ang ikatlong bahagi ng bituin kaya't nagdilim ang ikatlong bahagi nila, at ang ikatlong bahagi ng maghapon ay hindi nagliwanag, at gayundin naman ang gabi. At tumingin ako, at aking narinig ang isang agila, na lumilipad sa gitna ng himpapawid, na nagsasabi ng malakas na tinig, "Kahabag-habag, kahabag-habag, kahabag-habag ang mga naninirahan sa ibabaw ng lupa, dahil sa mga tunog ng mga trumpeta na malapit ng hipan ng tatlo pang anghel." At hinipan ng ikalimang anghel ang kanyang trumpeta at nakita ko ang isang bituin na nahulog sa lupa mula sa langit at sa kanya'y ibinigay ang susi ng hukay ng di matarok na kalaliman. Binuksan niya ang hukay ng di matarok na kalaliman at umakyat ang usok mula sa hukay, na gaya ng usok ng isang malaking hurno at nagdilim ang araw at ang himpapawid dahil sa usok ng hukay. At naglabasan mula sa usok ang mga balang sa lupa at binigyan sila ng kapangyarihan, na gaya ng kapangyarihan ng mga alakdan sa lupa. At sinabi sa kanila na huwag pinsalain ang damo sa lupa, ni ang anumang luntian, ni ang anumang punung-kahoy, kundi ang mga tao lamang na walang tatak ng Diyos sa kanilang mga noo. Pinahintulutan silang huwag patayin ang mga ito, kundi pahirapan ng limang buwan at ang kanilang pahirap ay gaya ng pahirap ng alakdan kung kumakagat sa isang tao. At sa mga araw na iyon ay hahanapin ng mga tao ang kamatayan at sa anumang paraa'y hindi nila matatagpuan; at magnanasang mamatay at ang kamatayan ay tatakas sa kanila. Ang anyo ng mga balang ay katulad ng mga kabayong inihanda para sa digmaan, at sa kanilang mga ulo ay mayroong gaya ng mga koronang ginto, at ang kanilang mga mukha ay gaya ng mga mukha ng mga tao. Sila'y may buhok na gaya ng buhok ng mga babae, at ang kanilang mga ngipin ay gaya ng sa mga leon. At sila'y may mga baluti, na gaya ng baluting bakal; at ang tunog ng kanilang mga pakpak ay gaya ng tunog ng mga karwahe at ng maraming kabayo na rumaragasa sa labanan. Sila'y may mga buntot na gaya ng sa mga alakdan at may mga pantusok; at sa kanilang mga buntot ay naroroon ang kanilang kapangyarihan upang pinsalain ang mga tao ng limang buwan. Sila'y may isang hari, ang anghel ng di matarok na kalaliman; ang kanyang pangalan sa wikang Hebreo ay Abadon, at sa Griyego ay tinatawag siyang Apolyon. Ang unang kapighatian ay nakaraan na. Mayroon pang dalawang kapighatiang darating. At hinipan ng ikaanim na anghel ang kanyang trumpeta, at narinig ko ang isang tinig mula sa apat na sungay ng dambanang ginto na nasa harapan ng Diyos, na nagsasabi sa ikaanim na anghel na may trumpeta, "Kalagan mo ang apat na anghel na nakagapos sa malaking ilog ng Eufrates." Kaya't kinalagan ang apat na anghel, na inihanda para sa oras, araw, buwan at taon upang patayin ang ikatlong bahagi ng mga tao. Ang bilang ng mga hukbong nangangabayo ay makalawang sampung libong tigsasampung libo; aking narinig ang bilang nila. At ganito ko nakita ang mga kabayo sa pangitain: ang mga nakasakay ay may mga baluting gaya ng apoy, ng jacinto at ng asupre; at ang mga ulo ng mga kabayo ay gaya ng mga ulo ng mga leon, at sa kanilang mga bibig ay lumalabas ang apoy, usok at asupre. Sa pamamagitan ng tatlong salot na ito ay pinatay ang ikatlong bahagi ng mga tao sa pamamagitan ng apoy at ng usok at ng asupre na lumalabas sa kanilang mga bibig. Sapagkat ang kapangyarihan ng mga kabayo ay nasa kanilang bibig at nasa kanilang mga buntot; ang kanilang mga buntot ay katulad ng mga ahas, na may mga ulo; at sa pamamagitan ng mga ito'y nakakapaminsala sila. At ang natira sa mga tao na hindi napatay sa mga salot na ito ay hindi nagsisi sa mga gawa ng kanilang mga kamay ni inihinto ang pagsamba sa mga demonyo at sa mga diyus-diyosang ginto, pilak, tanso, bato, at kahoy na hindi nakakakita, ni nakakarinig, ni nakakalakad man. At sila'y hindi nagsisi sa kanilang mga pagpatay, o sa kanilang pangkukulam, o sa kanilang pakikiapid, o sa kanilang pagnanakaw. At nakita ko ang isa pang makapangyarihang anghel na nanaog mula sa langit, na nababalot ng isang ulap, at may bahaghari sa kanyang ulo, at ang kanyang mukha ay gaya ng araw, at ang kanyang mga paa ay gaya ng mga haliging apoy. May isang maliit na balumbon na bukas sa kanyang kamay at kanyang itinuntong ang kanyang kanang paa sa dagat, at ang kaliwang paa sa lupa. Siya ay sumigaw ng may malakas na tinig, na gaya ng leon na umuungal; at pagkasigaw niya, ang pitong kulog ay umugong. Nang tumunog ang pitong kulog, susulat sana ako, ngunit narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi, "Tatakan mo ang mga bagay na sinabi ng pitong kulog, at huwag mong isulat ang mga ito." At itinaas ng anghel na aking nakita na nakatayo sa dagat at sa lupa ang kanyang kanang kamay sa langit, at nanumpa sa nabubuhay magpakailanpaman, na siyang lumalang ng langit at ng mga bagay na naroroon, at ng lupa at ng mga bagay na naririto, at ng dagat at ng mga bagay na naririto: "Hindi na maaantala pa, ngunit sa mga araw na hipan ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta, magaganap ang hiwaga ng Diyos, ayon sa kanyang ipinahayag sa kanyang mga lingkod na propeta." At ang tinig na aking narinig mula sa langit ay muling nagsalita sa akin, na nagsasabi, "Humayo ka, kunin mo ang aklat na bukas na nasa kamay ng anghel na nakatayo sa dagat at sa lupa." Kaya't ako'y lumapit sa anghel at sinabi ko sa kanya na ibigay sa akin ang maliit na aklat. At kanyang sinabi sa akin, "Kunin mo ito at ito'y kainin mo; ito ay magiging mapait sa iyong tiyan, ngunit sa iyong bibig ay magiging matamis na gaya ng pulot." Kinuha ko ang maliit na aklat sa kamay ng anghel, at aking kinain; at sa aking bibig ay matamis na gaya ng pulot, ngunit nang aking makain ay pumait ang aking tiyan. At sinabi nila sa akin, "Kailangang muli kang magpahayag ng propesiya tungkol sa maraming mga bayan at mga bansa, mga wika at mga hari." Pagkatapos ay binigyan ako ng isang tambong panukat na tulad ng isang tungkod, at sinabi sa akin, "Tumayo ka at sukatin mo ang templo ng Diyos, ang dambana, at ang mga sumasamba roon. Ngunit huwag mong susukatin ang patyo sa labas ng templo; pabayaan mo na iyon, sapagkat ibinigay iyon sa mga bansa at kanilang yuyurakan ang banal na lunsod sa loob ng apatnapu't dalawang buwan. Papahintulutan ko ang aking dalawang saksi na magpahayag ng propesiya sa loob ng 1,260 araw, na nakasuot ng damit sako." Ang mga ito'y ang dalawang punong olibo at ang dalawang ilawan na nakatayo sa harapan ng Panginoon ng lupa. At kung naisin ng sinuman na sila'y pinsalain, apoy ang lumalabas sa kanilang bibig at nilalamon ang kanilang mga kaaway; at kung naisin ng sinuman na sila'y pinsalain, siya'y kailangang patayin sa ganitong paraan. Ang mga ito'y may kapangyarihang magsara ng langit upang huwag umulan sa loob ng mga araw ng kanilang pagpapahayag ng propesiya at may kapangyarihan sila sa mga tubig na gawing dugo, at pahirapan ang lupa ng bawat salot sa tuwing kanilang naisin. At kapag natapos na nila ang kanilang patotoo, ang hayop na umahon mula sa di matarok na kalaliman ay makikipagdigma sa kanila, lulupigin sila, at papatayin. At ang kanilang mga bangkay ay hahandusay sa lansangan ng malaking lunsod, na sa espirituwal na pananalita ay tinatawag na Sodoma at Ehipto, na kung saan ipinako sa krus ang kanilang Panginoon. Pagmamasdan ng mga tao mula sa mga bayan at mga angkan at mga wika at mga bansa ang kanilang mga bangkay sa loob ng tatlong araw at kalahati, at hindi ipahihintulot na ang kanilang mga bangkay ay mailibing. At ang mga naninirahan sa ibabaw ng lupa ay magagalak tungkol sa kanila at magkakatuwa, at sila'y magpapalitan ng mga handog, sapagkat ang dalawang propetang ito ay nagpahirap sa mga naninirahan sa ibabaw ng lupa. Ngunit pagkatapos ng tatlong araw at kalahati, ang hininga ng buhay na mula sa Diyos ay pumasok sa kanila. Sila'y tumindig at dinatnan ng malaking takot ang mga nakakita sa kanila. At narinig nila ang isang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi sa kanila, "Umakyat kayo rito!" At sila'y umakyat sa langit sa isang ulap at nakita sila ng kanilang mga kaaway. At nang oras na iyon ay nagkaroon ng isang malakas na lindol, at nagiba ang ikasampung bahagi ng lunsod; may namatay sa lindol na pitong libong katao at ang mga iba ay natakot, at nagbigay ng luwalhati sa Diyos ng langit. Nakaraan na ang ikalawang kapighatian. Ang ikatlong kapighatian ay napakalapit ng dumating. At hinipan ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta at nagkaroon ng malalakas na tinig sa langit na nagsasabi, "Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon at ng kanyang Cristo, at siya'y maghahari magpakailanpaman." At ang dalawampu't apat na matatanda na nakaupo sa kanya-kanyang trono sa harapan ng Diyos ay nagpatirapa at sumamba sa Diyos, na nagsasabi, "Pinasasalamatan ka namin, O Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ang ngayon at ang nakaraan, sapagkat kinuha mo ang iyong dakilang kapangyarihan, at ikaw ay naghari. Nagalit ang mga bansa, ngunit dumating ang iyong poot, at ang panahon upang hatulan ang mga patay, at upang bigyan ng gantimpala ang iyong mga alipin, ang mga propeta, at ang mga banal, at ang mga natatakot sa iyong pangalan, ang mga hamak at dakila, at upang puksain mo ang mga pumupuksa sa lupa." At nabuksan ang templo ng Diyos na nasa langit at nakita sa kanyang templo ang kaban ng kanyang tipan; at nagkaroon ng mga kidlat, ng mga tinig, ng mga kulog, ng lindol, at mabigat na yelong ulan. At ang isang dakilang tanda ay nakita sa langit: isang babae na nakadamit ng araw, at ang buwan ay nasa ilalim ng kanyang mga paa, at sa kanyang ulo ay may isang putong ng labindalawang bituin; siya'y nagdadalang-tao at sumisigaw sa hirap sa panganganak at sa sakit ng pagluluwal. At may isa pang tanda na nakita sa langit: isang malaking pulang dragon na may pitong ulo at sampung sungay, at sa kanyang mga ulo'y may pitong diadema. Kinaladkad ng kanyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at inihagis ang mga ito sa lupa. At tumayo ang dragon sa harapan ng babae na malapit ng manganak, upang lamunin ang anak ng babae pagkapanganak niya. At siya'y nanganak ng isang batang lalaki na siyang magpapastol na may pamalong bakal sa lahat ng mga bansa. Ngunit ang kanyang anak ay inagaw at dinala sa Diyos at sa kanyang trono. Tumakas ang babae sa ilang, at doon ay ipinaghanda siya ng Diyos ng isang lugar, upang doon siya'y alagaan nila ng isang libo dalawang daan at animnapung araw. At nagkaroon ng digmaan sa langit, si Miguel at ang kanyang mga anghel ay nakipagdigma sa dragon. Ang dragon at ang kanyang mga anghel ay nakipagdigma, ngunit hindi sila nagwagi, ni wala ng lugar para sa kanila sa langit. At itinapon ang malaking dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, ang mandaraya sa buong sanlibutan; siya'y itinapon sa lupa at ang kanyang mga anghel ay itinapong kasama niya. At narinig ko ang isang malakas na tinig sa langit na nagsasabi, "Ngayo'y dumating ang kaligtasan at ang kapangyarihan, at ang kaharian ng ating Diyos, at ang kapangyarihan ng kanyang Cristo, sapagkat itinapon na ang tagapagparatang sa ating mga kapatid na siyang nagpaparatang sa kanila sa harapan ng ating Diyos, araw at gabi. At siya'y kanilang dinaig dahil sa dugo ng Kordero, at dahil sa salita ng kanilang patotoo, sapagkat hindi nila inibig ang kanilang buhay maging hanggang sa kamatayan. Kaya't magalak kayo, O mga langit at kayong mga naninirahan diyan! Kahabag-habag ang lupa at dagat sapagkat ang diyablo'y bumaba sa inyo na may malaking poot, palibhasa'y alam niya na maikli na lamang ang kanyang panahon!" Nang makita ng dragon na siya'y itinapon sa lupa, inusig niya ang babaing nanganak ng sanggol na lalaki. Ngunit ang babae'y binigyan ng dalawang pakpak ng malaking agila upang makalipad siya mula sa harap ng ahas patungo sa ilang hanggang sa kanyang lugar, na pinaalagaan sa kanya ng isang panahon, at mga panahon, at kalahati ng isang panahon. At ang ahas ay nagbuga mula sa kanyang bibig ng tubig sa babae na gaya ng isang ilog upang tangayin siya ng agos. Ngunit ang babae ay tinulungan ng lupa at ibinuka nito ang kanyang bibig at nilamon ang ilog na ibinuga ng dragon mula sa kanyang bibig. Nagalit ang dragon sa babae, at umalis upang digmain ang nalabi sa binhi ng babae, ang mga tumutupad sa mga utos ng Diyos at ang mga may patotoo ni Jesus. [18 At tumayo ang dragon sa buhanginan ng dagat.] At nakita ko ang isang halimaw na umaahon sa dagat, may sampung sungay at pitong ulo, at sa kanyang mga sungay ay may sampung diadema, at sa kanyang mga ulo ay mga pangalan ng kalapastanganan. At ang halimaw na aking nakita ay katulad ng isang leopardo at ang kanyang mga paa ay gaya ng sa oso, at ang kanyang bibig ay gaya ng bibig ng leon. At ibinigay rito ng dragon ang kanyang kapangyarihan, ang kanyang trono, at dakilang kapamahalaan. Ang isa sa mga ulo nito ay parang pinatay, ngunit ang sugat nito na ikamamatay ay gumaling, at ang buong lupa ay namamanghang sumunod sa halimaw. Ang mga tao'y sumamba sa dragon sapagkat ibinigay niya ang kanyang kapangyarihan sa halimaw; at sinamba nila ang halimaw, na sinasabi, "Sino ang katulad ng halimaw at sinong makakalaban dito?" Ang halimaw ay binigyan ng isang bibig na nagsasalita ng mga palalong bagay at ng mga kalapastanganan, at pinahintulutan siyang gumamit ng kapangyarihan sa loob ng apatnapu't dalawang buwan. Ibinuka niya ang kanyang bibig upang magsalita ng mga kalapastanganan sa Diyos, upang lapastanganin ang kanyang pangalan at ang kanyang tahanan gayundin ang mga naninirahan sa langit. Ipinahintulot din sa kanya na makipagdigma sa mga banal at sila'y lupigin. Binigyan siya ng kapangyarihan sa bawat angkan, bayan, wika at bansa, at ang lahat ng naninirahan sa lupa ay sasamba sa kanya, ang lahat na ang pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay ng Kordero na pinaslang buhat nang itatag ang sanlibutan. Kung ang sinuman ay may pandinig ay makinig: Kung ang sinuman ay patungo sa pagkabihag, sa pagkabihag siya patutungo. Kung ang sinuman ay pumapatay sa pamamagitan ng tabak, sa pamamagitan ng tabak siya dapat papatayin. Ito ay panawagan para sa pagtitiis at pananampalataya ng mga banal. At nakita ko ang isa pang halimaw na umaahon sa lupa; at ito ay may dalawang sungay na katulad ng sa isang kordero at siya'y nagsasalita na parang dragon. Kanyang ginagamit ang buong kapangyarihan ng unang halimaw na nasa kanyang paningin, at pinasasamba niya ang lupa at ang mga naninirahan dito sa unang halimaw na ang sugat na ikamamatay ay gumaling na. Ito'y gumagawa ng mga dakilang tanda, pati na ang pagpapababa ng apoy sa lupa mula sa langit sa paningin ng mga tao. At nadadaya nito ang mga naninirahan sa lupa dahil sa mga tanda na pinahintulutang gawin nito sa paningin ng halimaw, na sinasabi sa mga naninirahan sa lupa na dapat silang gumawa ng isang larawan ng halimaw na sinugatan ng tabak ngunit nabuhay. At ito'y pinahintulutang makapagbigay ng hininga sa larawan ng halimaw upang ang larawan ng halimaw ay makapagsalita, at maipapatay naman ang lahat ng hindi sumasamba sa larawan ng halimaw. At ang lahat, ang hamak at ang dakila, ang mayayaman at ang mga dukha, ang mga malaya at ang mga alipin ay pinalagyan nito ng isang tanda sa kanilang kanang kamay o sa noo, upang walang sinumang makabili o makapagbili, maliban ang may tanda, samakatuwid, ay ng pangalan ng halimaw o ng bilang ng pangalan nito. Kailangan dito ang karunungan: ang may pang-unawa ay bilangin ang bilang ng halimaw, sapagkat ito'y bilang ng isang tao. Ang bilang nito ay animnaraan at animnapu't anim. Pagkatapos ay tumingin ako, at naroon ang Kordero na nakatayo sa bundok ng Zion! Kasama niya ang isang daan at apatnapu't apat na libong may pangalan niya, at pangalan ng kanyang Ama, na nakasulat sa kanilang mga noo. At narinig ko ang isang tinig mula sa langit, na gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng ugong ng malakas na kulog; ang tinig na aking narinig ay gaya ng sa mga manunugtog na tumutugtog ng kanilang mga alpa. At sila'y nag-aawitan ng isang bagong awit sa harapan ng trono, at sa harapan ng apat na nilalang na buhay at ng matatanda. Walang sinumang natuto ng awit na iyon kundi ang isandaan at apatnapu't apat na libo lamang, na tinubos mula sa lupa. Hindi dinungisan ng mga ito ang kanilang sarili sa mga babae; sapagkat sila'y malilinis. Ang mga ito'y ang mga sumusunod sa Kordero saan man siya magtungo. Ang mga ito'y ang tinubos mula sa mga tao, bilang mga pangunahing bunga sa Diyos at sa Kordero. At sa kanilang bibig ay walang natagpuang kasinungalingan; sila'y mga walang dungis. At nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa gitna ng himpapawid, na may walang hanggang ebanghelyo na ipahahayag sa mga naninirahan sa lupa, sa bawat bansa, lipi, wika at bayan. Sinabi niya sa malakas na tinig, "Matakot kayo sa Diyos at magbigay luwalhati sa kanya, sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghuhukom, at sambahin ninyo ang gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat at ng mga bukal ng tubig." At isa pang anghel, ang pangalawa, ay sumunod na nagsasabi, "Bumagsak, bumagsak ang dakilang Babilonia, na siyang nagpainom sa lahat ng bansa ng alak ng poot ng kanyang pakikiapid." At isa pang anghel, ang pangatlo, ay sumunod sa kanila, na sinasabi sa malakas na tinig, "Kung ang sinuman ay sumasamba sa halimaw at sa kanyang larawan, at tumatanggap ng tanda sa kanyang noo, o sa kanyang kamay, ay iinom din naman ng alak ng poot ng Diyos, na inihahandang walang halo sa kopa ng kanyang poot at pahihirapan sa apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel at sa harapan ng Kordero. At ang usok ng hirap nila ay papailanlang magpakailanpaman; at sila'y walang kapahingahan araw at gabi, silang mga sumasamba sa halimaw at sa larawan nito, at sinumang tumatanggap ng tanda ng kanyang pangalan. Narito ang panawagan para sa pagtitiis ng mga banal, sa mga tumutupad sa mga utos ng Diyos, at humahawak ng matatag sa pananampalataya ni Jesus. At narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi, "Isulat mo ito: Mapapalad ang mga patay na namamatay sa Panginoon mula ngayon." "Oo," sinasabi ng Espiritu, "sila'y magpapahinga sa kanilang mga gawa, sapagkat ang kanilang mga gawa ay sumusunod sa kanila." Pagkatapos ay nakita ko roon ang isang puting ulap, at nakaupo sa ulap ang isang katulad ng isang Anak ng Tao na sa kanyang ulo'y may isang gintong korona, at sa kanyang kamay ay may isang matalas na karit. Lumabas ang isa pang anghel mula sa templo, na sumisigaw nang may malakas na tinig doon sa nakaupo sa ulap, "Ihulog mo ang iyong karit at gumapas ka, sapagkat dumating na ang oras ng paggapas, at hinog na ang aanihin sa lupa." Kaya't inihagis ng nakaupo sa alapaap ang kanyang karit sa lupa at ang lupa ay nagapasan. At lumabas ang isa pang anghel mula sa templo sa langit na siya rin ay may matalas na karit. Ang isa pang anghel ay lumabas mula sa dambana, na siyang may kapangyarihan sa apoy, at tumawag siya nang may malakas na tinig doon sa may matalas na karit, "Ihulog mo ang iyong matalas na karit at tipunin mo ang mga buwig sa ubasan sa lupa, sapagkat ang mga ubas nito ay hinog na." Kaya't inihagis ng anghel ang kanyang karit sa lupa, at tinipon ang mga ubas sa lupa, at inihagis sa malaking pisaan ng ubas ng poot ng Diyos. At pinisa ang ubas sa pisaan sa labas ng lunsod, at lumabas sa pisaan ng ubas ang dugo, na umabot hanggang sa mga renda ng mga kabayo, sa layong halos dalawandaang milya. At nakita ko ang isa pang tanda sa langit, dakila at kamanghamangha: pitong anghel na may pitong salot, na siyang mga panghuli, sapagkat sa mga ito'y matatapos ang poot ng Diyos. At nakita ko ang tulad sa isang dagat na kristal na may halong apoy, at ang mga dumaig sa halimaw at sa larawan nito, at sa bilang ng pangalan nito na nakatayo sa tabi ng dagat na kristal at may hawak na mga alpa ng Diyos. At inaawit nila ang awit ni Moises na alipin ng Diyos, at ang awit ng Kordero na sinasabi, "Dakila at kamanghamangha ang iyong mga gawa, O Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat! Matuwid at tunay ang iyong mga daan, ikaw na Hari ng mga bansa. Sinong hindi matatakot at luluwalhati sa iyong pangalan O Panginoon, sapagkat ikaw lamang ang banal. Ang lahat ng mga bansa ay darating at sasamba sa harapan mo; sapagkat ang iyong mga matuwid na gawa ay nahayag." Pagkatapos ng mga bagay na ito ay tumingin ako, at ang templo ng tolda ng patotoo sa langit ay nabuksan. At mula sa templo ay lumabas ang pitong anghel na may pitong salot, na nakadamit ng dalisay at makintab na lino, at nabibigkisan ng gintong pamigkis ang kanilang mga dibdib. At isa sa apat na nilalang na buhay ay nagbigay sa pitong anghel ng pitong mangkok na ginto na puno ng poot ng Diyos, na siyang nabubuhay magpakailanman. At napuno ng usok ang templo mula sa kaluwalhatian ng Diyos at mula sa kanyang kapangyarihan; at walang sinumang nakapasok sa templo hanggang sa matapos ang pitong salot ng pitong anghel. At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa templo, na nagsasabi sa pitong anghel, "Humayo kayo at ibuhos ninyo sa lupa ang pitong mangkok ng poot ng Diyos." Kaya't humayo ang una at ibinuhos ang kanyang mangkok sa lupa; at nagkaroon ng nakakapandiri at masamang sugat ang mga taong may tanda ng halimaw, at ang mga sumamba sa larawan nito. Ibinuhos naman ng ikalawa ang kanyang mangkok sa dagat at ito'y naging parang dugo ng isang taong patay; at bawat may buhay na nasa dagat ay namatay. Ibinuhos ng ikatlo ang kanyang mangkok sa mga ilog at sa mga bukal ng tubig; at naging dugo ang mga ito. At narinig ko ang anghel ng tubig na nagsasabi, "Matuwid ka, ikaw na siyang ngayon at ang nakaraan, O Banal, sapagkat hinatulan mo ang mga bagay na ito, sapagkat pinadanak nila ang dugo ng mga banal at ng mga propeta, at pinainom mo sila ng dugo. Ito'y karapat-dapat sa kanila!" At narinig ko ang dambana na nagsasabi, "Opo, Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, tunay at matuwid ang iyong mga hatol!" At ibinuhos ng ikaapat ang kanyang mangkok sa araw at pinahintulutan itong pasuin ng apoy ang mga tao. At napaso ang mga tao sa matinding init, ngunit kanilang nilait ang pangalan ng Diyos na may kapangyarihan sa mga salot na ito; at hindi sila nagsisi upang siya'y luwalhatiin. Ibinuhos naman ng ikalima ang kanyang mangkok sa trono ng halimaw, at nagdilim ang kanyang kaharian. Kinagat ng mga tao ang kanilang mga dila dahil sa hirap, at nilait nila ang Diyos ng langit dahil sa kanilang mga hirap at sa kanilang mga sugat; at hindi sila nagsisi sa kanilang mga gawa. Ibinuhos ng ikaanim ang kanyang mangkok sa malaking ilog na Eufrates at natuyo ang tubig nito, upang ihanda ang daraanan ng mga haring mula sa sikatan ng araw. At nakita kong lumabas sa bibig ng dragon at mula sa bibig ng halimaw at mula sa bibig ng bulaang propeta ang tatlong espiritung karumaldumal, na gaya ng mga palaka. Sila'y mga espiritu ng mga demonyo na gumagawa ng mga tanda; pumupunta sa mga hari ng buong daigdig, upang tipunin sila sa digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. ("Masdan ninyo, ako'y dumarating na gaya ng magnanakaw. Mapalad ang nananatiling gising at nakadamit, upang siya'y hindi lumakad na hubad at makita ang kanyang kahihiyan.") At sila'y tinipon nila sa lugar na sa Hebreo ay tinatawag na Armagedon. Ibinuhos ng ikapitong anghel ang kanyang mangkok sa himpapawid at lumabas sa templo ang isang malakas na tinig, mula sa trono na nagsasabi, "Naganap na!" At nagkaroon ng mga kidlat, mga tinig, mga kulog, at malakas na lindol, na hindi pa nangyari kailanman mula nang magkaroon ng tao sa lupa, isang napakalakas na lindol. Ang dakilang lunsod ay nahati sa tatlo, at ang mga lunsod ng mga bansa ay bumagsak. Naalala ng Diyos ang dakilang Babilonia at binigyan niya ito ng kopa ng alak ng kabagsikan ng kanyang poot. At tumakas ang bawat pulo at walang mga bundok na matagpuan. At bumagsak sa mga tao ang ulan ng malalaking yelo na ang bigat ay halos isandaang libra buhat sa langit, at nilait ng mga tao ang Diyos dahil sa salot na ulan ng yelo, sapagkat ang salot na ito ay lubhang nakakatakot. At dumating ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok at nagsalita sa akin na nagsasabi, "Halika. Ipapakita ko sa iyo ang hatol sa tanyag na mahalay na babae na nakaupo sa ibabaw ng maraming tubig; na sa kanya'y nakiapid ang mga hari sa lupa, at ang mga naninirahan sa lupa ay nalasing sa alak ng kanyang pakikiapid." At ako'y kanyang dinalang nasa Espiritu sa isang ilang at nakita ko ang isang babae na nakasakay sa isang halimaw na pula, na puno ng mga pangalan ng kalapastanganan na may pitong ulo at sampung sungay. Ang babae ay nakadamit ng kulay ube at ng matingkad na pula, nagagayakan ng ginto at ng mahahalagang bato at mga perlas, at hawak sa kanyang kamay ang isang kopang ginto na puno ng mga karumaldumal at mga bagay na marurumi ng kanyang pakikiapid, at sa kanyang noo ay nakasulat ang isang pangalan, ang isang hiwaga: "dakilang Babilonia, ina ng mga mahalay na babae at ng mga karumaldumal sa lupa." At nakita ko ang babae na lasing sa dugo ng mga banal, at sa dugo ng mga martir ni Jesus. Nang makita ko siya, ako ay lubhang nanggilalas. Ngunit sinabi sa akin ng anghel, "Bakit ka nanggilalas? Sasabihin ko sa iyo ang hiwaga ng babae, at ng sinasakyan niyang halimaw na may pitong ulo at sampung sungay. Ang halimaw na nakita mo ay buhay noon at ngayo'y wala na, at malapit nang umahon mula sa di matarok na kalaliman at patungo sa kapahamakan. At silang mga naninirahan sa lupa, na ang kanilang pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay mula nang itatag ang sanlibutan, ay manggigilalas kapag nakita nila ang halimaw, sapagkat buhay noon ngunit ngayo'y wala na at darating pa. "Kailangan dito ang pag-iisip na may karunungan: ang pitong ulo ay pitong bundok na kinauupuan ng babae; sila rin ay pitong hari, ang lima sa kanila ay bumagsak, ang isa'y nananatili pa, ang isa ay hindi pa dumarating at pagdating niya, kailangang magpatuloy siya nang sandaling panahon. At ang halimaw na buhay noon at ngayo'y wala na, ay siya ring ika-walo ngunit kabilang sa pito at siya'y patungo sa kapahamakan. At ang sampung sungay na iyong nakita ay sampung hari, na hindi pa tumatanggap ng kaharian; subalit sila'y tatanggap ng kapangyarihan bilang mga hari sa loob ng isang oras, kasama ng halimaw. Ang mga ito ay may isang pag-iisip at ibinibigay nila ang kanilang kapangyarihan at kapamahalaan sa halimaw. Makikipagdigma ang mga ito laban sa Kordero at sila'y dadaigin ng Kordero, sapagkat siya'y Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari, at ang mga kasama niya ay mga tinawag, mga hinirang at tapat." At sinabi niya sa akin, "Ang tubig na iyong nakita, na kinauupuan ng mahalay na babae ay mga bayan, napakaraming tao, mga bansa, at mga wika. At ang sampung sungay na iyong nakita, sila at ang halimaw ay mapopoot sa mahalay na babae;ng siya'y pababayaan at huhubaran nila, lalamunin ang kanyang laman at siya'y lubos na susunugin sa apoy. Sapagkat inilagay ng Diyos sa kanilang mga puso na gawin ang kanyang layunin at magkaisa ng pagiisip at ibigay ang kanilang paghahari sa halimaw, hanggang sa maganap ang mga salita ng Diyos. Ang babae na iyong nakita ay ang dakilang lunsod na naghahari sa mga hari sa lupa." Pagkatapos ng mga bagay na ito ay nakita ko ang isa pang anghel na nananaog mula sa langit, na may dakilang kapangyarihan; at ang lupa ay naliwanagan ng kanyang kaluwalhatian. At siya'y sumigaw nang may malakas na tinig na nagsasabi, "Bumagsak, bumagsak ang dakilang Babilonia! Ito'y naging tirahan ng mga demonyo, pugad ng bawat espiritung karumaldumal, at pugad ng bawat karumaldumal at kasuklamsuklam na mga ibon; sapagkat lahat ng mga bansa ay uminom ng alak ng galit ng kanyang pakikiapid, at ang mga hari sa lupa ay nakiapid sa kanya, at ang mga mangangalakal sa lupa ay yumaman dahil sa kapangyarihan ng kanyang kalayawan." At narinig ko ang isa pang tinig na mula sa langit na nagsasabi, "Magsilabas kayo sa kanya, bayan ko, upang huwag kayong madamay sa kanyang mga kasalanan, at huwag kayong makabahagi sa kanyang mga salot; sapagkat ang kanyang mga kasalanan ay nagkapatong-patong na umaabot hanggang sa langit, at natatandaan ng Diyos ang kanyang mga kasalanan. Ibigay din ninyo ang ayon sa ibinigay niya sa inyo, at bayaran ninyo ng makalawang ulit ang kanyang mga gawa; sa kopang kanyang pinaghaluan ay inyong ipaghalo siya ng makalawang ulit. Kung gaano siya nagmalaki at namuhay sa kalayawan, ay gayundin ang ibigay ninyo sa kanyang pahirap at pagluluksa. Sapagkat sinasabi niya sa kanyang puso, 'Ako'y nakaupong isang reyna. hindi ako balo at hindi ko makikita kailanman ang pagluluksa.' Kaya't sa loob ng isang araw ay darating ang mga salot sa kanya, kamatayan, pagluluksa at gutom; at siya'y lubos na susunugin sa apoy; sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Diyos na humatol sa kanya." At ang mga hari sa lupa na nakiapid at namuhay sa kalayawan na kasama niya, ay iiyakan at tatangisan siya kapag nakita nila ang usok ng pagsusunog sa kanya. Sila'y tatayo sa malayo dahil sa takot sa pahirap sa kanya, na nagsasabi, "Kahabag-habag, kahabag-habag ang dakilang lunsod, ikaw na makapangyarihang lunsod ng Babilonia! Sapagkat sa isang oras ay dumating ang hatol sa iyo." Ang mga mangangalakal sa lupa ay tumatangis at nagluluksa dahil sa kanya, sapagkat wala nang bibili pa ng kanilang kalakal; kalakal na ginto at pilak, mahalagang bato at mga perlas, pinong lino, kulay ube, sutla at pula; ng sari-saring mababangong kahoy, at bawat kasangkapang garing, bawat kasangkapang mahalagang kahoy, tanso, bakal, marmol, kanela, pampalasa, kamanyang, mira at insenso; alak at langis, at mainam na harina at trigo, mga baka at mga tupa, mga kabayo at mga karwahe, at mga alipin; at ng mga kaluluwa ng mga tao. "Ang mga bungang ninanais ng kaluluwa mo ay wala na sa iyo, at lahat ng mga bagay na mararangya at mariringal ay nalipol sa iyo, at hindi na kailanman matatagpuan pang muli!" Ang mga mangangalakal ng mga bagay na ito na tumatangis at tumataghoy, na yumaman dahil sa kanya, ay tatayo sa malayo dahil sa takot sa pahirap sa kanya, na nagsasabi, "Kahabag-habag, kahabag-habag ang dakilang lunsod, siyang nagsusuot ng pinong lino at ng kulay ube, at pula, at napapalamutian ng ginto, mahahalagang bato at perlas! Sapagkat sa loob ng isang oras ay nalipol ang ganito kalaking kayamanan!" At ang bawat pinuno ng barko, ang bawat naglalayag saan mang dako, ang mga mandaragat, at lahat ng naghahanap-buhay sa dagat, ay nakatayo sa malayo, at nagsisisigaw pagkakita sa usok ng pagsusunog sa kanya, na nagsasabi, "Anong lunsod ang katulad ng dakilang lunsod?" At sila'y nagbubuhos ng alabok sa kanilang mga ulo at nagsisigawan, na nag-iiyakan at nananaghoy, na nagsasabi, "Kahabag-habag, kahabag-habag, ang dakilang lunsod, na siyang nagpapayaman sa lahat na may mga barko sa dagat, dahil sa kanyang mga kayamanan! Sapagkat sa loob ng isang oras siya ay nawasak! Magalak ka tungkol sa kanya, O langit, at kayong mga banal at mga apostol, at mga propeta; sapagkat iginawad na ng Diyos para sa inyo ang hatol sa kanya!" Pagkatapos ay dinampot ng isang malakas na anghel ang isang bato, na gaya ng isang malaking gilingang bato, at inihagis sa dagat na sinasabi, "Sa ganitong karahasan ibabagsak ang dakilang Babilonia, at hindi na matatagpuan pa. At ang tunog ng mga manunugtog ng alpa at ng mga musikero at ng mga manunugtog ng plauta, at ng mga manunugtog ng trumpeta ay hindi na maririnig pa sa iyo; at wala nang manggagawa ng anumang gawa ang matatagpuan pa sa iyo; at ang ingay ng gilingan ay hindi na maririnig pa sa iyo; at ang liwanag ng ilawan ay hindi na tatanglaw pa sa iyo at ang tinig ng lalaking ikakasal at ng babaing ikakasal ay hindi na maririnig pa sa iyo; sapagkat ang mga mangangalakal mo ay dating mga pangunahin sa lupa; sapagkat dinaya ng iyong pangkukulam ang lahat ng mga bansa. At natagpuan sa kanya ang dugo ng mga propeta at ng mga banal, at ng lahat ng mga pinatay sa lupa." Pagkatapos ng mga bagay na ito ay narinig ko ang gaya ng isang malakas na tinig ng napakaraming tao sa langit, na nagsasabi, "Aleluia! Ang kaligtasan, at kaluwalhatian, at kapangyarihan ay nauukol sa ating Diyos. Sapagkat tunay at matuwid ang kanyang mga paghatol; hinatulan niya ang tanyag na mahalay na babae na nagpasama sa daigdig sa pamamagitan ng kanyang pakikiapid, at ipinaghiganti ng Diyos ang dugo ng kanyang mga alipin laban sa babae." At sa ikalawang pagkakataon ay kanilang sinabi, "Aleluia! At ang usok ng babae ay pumailanglang magpakailanpaman." At nagpatirapa ang dalawampu't apat na matatanda at ang apat na nilalang na buhay, at sumamba sa Diyos na nakaupo sa trono, na nagsasabi, "Amen. Aleluia!" At lumabas ang isang tinig sa trono, na nagsasabi, "Purihin ninyo ang ating Diyos, kayong lahat na mga alipin niya, at kayong natatakot sa kanya, mga hamak at dakila." Narinig ko ang gaya ng isang tinig ng napakaraming tao, gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng dagundong ng malalakas na kulog na nagsasabi, "Aleluia! sapagkat naghahari ang Panginoon nating Diyos na Makapangyarihan sa lahat. Tayo'y magalak at tayo'y magpakasaya at ibigay natin sa kanya ang kaluwalhatian, sapagkat dumating na ang kasal ng Kordero, at inihanda na ng kanyang magiging asawa ang kanyang sarili. At sa kanya'y ipinagkaloob na magsuot ng pinong lino, makintab at malinis;" sapagkat ang pinong lino ay ang matutuwid na gawa ng mga banal. At sinabi ng anghel sa akin, "Isulat mo: Mapapalad ang mga inanyayahan sa hapunan ng kasalan ng Kordero." At sinabi niya sa akin, "Ito ang mga tunay na salita ng Diyos." At ako'y nagpatirapa sa kanyang paanan upang siya'y aking sambahin, ngunit sinabi niya sa akin, "Huwag mong gawin iyan! Ako'y kapwa mo alipin na kasama mo at ng iyong mga kapatid na mayroong patotoo ni Jesus. Sa Diyos ka sumamba. Sapagkat ang patotoo ni Jesus ang espiritu ng propesiya." At nakita kong nabuksan ang langit at naroon ang isang kabayong puti! At ang nakasakay doon ay tinatawag na Tapat at Totoo; at sa katuwiran siya'y humahatol at nakikipagdigma. Ang kanyang mga mata ay tulad ng ningas ng apoy, at sa kanyang ulo ay maraming diadema; at siya'y may isang pangalang nakasulat, na walang nakakaalam kundi ang kanyang sarili. Siya'y nakasuot ng damit na inilubog sa dugo at ang kanyang pangalan ay tinatawag na Ang Salita ng Diyos. Ang mga hukbo ng langit ay sumusunod sa kanya na mga nakasakay sa mga kabayong puti, at sila'y may damit na pinong lino na maputi at dalisay. Mula sa kanyang bibig ay lumalabas ang isang tabak na matalas, upang sa pamamagitan nito'y tatagain niya ang mga bansa at sila'y kanyang paghaharian ng tungkod na bakal, at paaagusin niya mula sa pisaan ng ubas ang bagsik ng poot ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. At siya'y mayroong isang pangalang nakasulat sa kanyang damit at sa kanyang hita, "Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon." At nakita kong nakatayo sa araw ang isang anghel, at siya'y sumigaw nang may malakas na tinig, na nagsasabi sa lahat ng mga ibong lumilipad sa gitna ng himpapawid, "Halikayo at magkatipon sa dakilang hapunan ng Diyos, upang kayo'y makakain ng laman ng mga hari, ng laman ng mga kapitan, ng laman ng mga taong makapangyarihan, ng laman ng mga kabayo at ng mga nakasakay dito, at ng laman ng lahat ng mga taong malaya at mga alipin man, mga hamak at dakila." At nakita ko ang halimaw at ang mga hari sa lupa at ang kanilang mga hukbo, na nagkakatipon upang makipagdigma laban doon sa nakasakay sa kabayo, at laban sa kanyang hukbo. At hinuli ang halimaw at kasama niya ang bulaang propeta na gumawa ng mga tanda sa harapan nito, na siyang ipinandaya sa mga tumanggap ng tanda ng halimaw at sa mga sumamba sa larawan nito. Ang dalawang ito ay buhay na inihagis sa lawa ng apoy na nagliliyab sa asupre. At ang mga iba ay pinatay ng tabak na lumalabas sa bibig noong nakasakay sa kabayo; at ang lahat ng mga ibon ay nabusog sa mga laman nila. At nakita ko ang isang anghel na nananaog mula sa langit, na hawak sa kanyang kamay ang susi ng di matarok na kalaliman at ang isang malaking tanikala. At sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas, na siyang Diyablo at Satanas, at ginapos siya ng isang libong taon, at siya'y itinapon sa di matarok na kalaliman at sinarhan at tinatakan ito sa ibabaw niya, upang hindi na niya madaya ang mga bansa, hanggang sa matapos ang isang libong taon. Pagkatapos nito, kailangang siya'y pawalan ng maikling panahon. Nakakita ako ng mga trono, at ang mga nakaupo sa mga iyon ay pinagkalooban ng kapangyarihang humatol. Nakita ko rin ang mga kaluluwa ng mga pinugutan ng ulo dahil sa patotoo kay Jesus, at dahil sa salita ng Diyos, at ang mga hindi sumamba sa halimaw, o sa kanyang larawan man, at hindi tumanggap ng tanda sa kanilang noo at sa kanilang kamay. Sila'y nabuhay at nagharing kasama ni Cristo sa loob ng isang libong taon. Ang mga iba sa mga patay ay hindi nabuhay hanggang sa natapos ang isang libong taon. Ito ang unang pagkabuhay na muli. Mapalad at banal ang may bahagi sa unang pagkabuhay na muli! Sa mga ito'y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan, kundi sila'y magiging mga pari ng Diyos at ni Cristo, at maghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon. At kung matapos na ang isang libong taon, si Satanas ay pakakawalan sa kanyang bilangguan, at lalabas upang dayain ang mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, sa Gog at sa Magog, upang tipunin sila para sa pakikipagdigma; ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat. Umakyat sila sa malawak na lupa at pinaligiran ang kampo ng mga banal, at ang lunsod na minamahal; ngunit bumaba ang apoy mula sa langit, at sila'y natupok. At ang diyablo na dumaya sa kanila ay inihagis sa lawa ng apoy at asupre, na kinaroroonan din naman ng halimaw at ng bulaang propeta; at sila'y pahihirapan araw at gabi magpakailanpaman. At nakita ko ang isang malaking tronong puti at ang nakaupo roon; ang lupa at ang langit ay tumakas sa kanyang harapan at walang natagpuang lugar para sa kanila. At nakita ko ang mga patay, mga dakila at mga hamak, na nakatayo sa harapan ng trono, at binuksan ang mga aklat. Binuksan din ang isa pang aklat, ang aklat ng buhay. At ang mga patay ay hinatulan ayon sa kanilang mga gawa, ayon sa nakatala sa mga aklat. At iniluwa ng dagat ang mga patay na nasa kanya, at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila, at hinatulan ang bawat tao ayon sa kanilang mga gawa. Ang kamatayan at ang Hades ay itinapon sa lawa ng apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, ang lawa ng apoy; at ang sinumang hindi natagpuang nakasulat sa aklat ng buhay ay itinapon sa lawa ng apoy. At nakita ko ang isang bagong langit at ang isang bagong lupa; sapagkat ang unang langit at ang unang lupa ay lumipas na, at ang dagat ay wala na. At nakita ko ang banal na lunsod, ang bagong Jerusalem, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos, na nakahanda na gaya ng isang babaing ikakasal na nagagayakan para sa kanyang asawa. At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa trono na nagsasabi, "Masdan ninyo, ang tabernakulo ng Diyos ay nasa mga tao. Siya'y maninirahang kasama nila, at sila'y magiging bayan niya. Ang Diyos mismo ay makakasama nila, at siya'y magiging Diyos nila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan; hindi na rin magkakaroon pa ng pagdadalamhati, o ng pagtangis man, o ng kirot man, sapagkat ang mga unang bagay ay lumipas na." At sinabi ng nakaupo sa trono, "Masdan ninyo, ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay." Sinabi rin niya, "Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at tunay." At sinabi niya sa akin, "Naganap na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang pasimula at ang wakas. Ang nauuhaw ay aking paiinumin nang walang bayad sa bukal ng tubig ng buhay. Ang magtagumpay ay magmamana ng mga bagay na ito; at ako'y magiging Diyos niya at siya'y magiging anak ko. Ngunit sa mga duwag, sa mga hindi nananampalataya, mga karumaldumal, mga mamamatay tao, mga mapakiapid, mga mangkukulam, mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, at sa lahat na mga sinungaling, ang kanilang bahagi ay sa lawa na nagliliyab sa apoy at asupre, na siyang ikalawang kamatayan." At dumating ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok na puno ng pitong huling salot, at nagsalita sa akin na nagsasabi, "Halika, ipapakita ko sa iyo ang babaing ikakasal, ang asawa ng Kordero." At dinala niya akong nasa Espiritu sa isang malaki at mataas na bundok, at ipinakita sa akin ang banal na lunsod ng Jerusalem, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos, na may kaluwalhatian ng Diyos, ang kanyang ningning ay katulad ng isang totoong mahalagang bato, na gaya ng batong jaspe, na malinaw na gayangkristal. Ito ay mayroong isang malaki at mataas na pader, na may labindalawang pintuan, at sa mga pintuan ay may labindalawang anghel; at sa mga pintuan ay nakasulat ang mga pangalan ng labindalawang lipi ng mga anak ni Israel. Sa silangan ay tatlong pintuan, sa hilaga ay tatlong pintuan, sa timog ay tatlong pintuan, at sa kanluran ay tatlong pintuan. At ang pader ng lunsod ay may labindalawang saligan, at sa mga ito'y ang labindalawang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero. At ang nakipag-usap sa akin ay may gintong panukat upang sukatin ang lunsod at ang mga pintuan at ang pader nito. At ang pagkatayo ng lunsod ay parisukat, at ang kanyang haba ay gaya ng kanyang luwang, at sinukat niya ang lunsod ng kanyang panukat, labindalawang libong estadia. Ang haba, luwang at ang taas nito ay magkakasukat. Sinukat din niya ang pader nito, isandaan at apatnapu't apat na siko ang taas, ayon sa sukat ng tao, na siyang ginagamit ng anghel. Ang malaking bahagi ng pader ay jaspe at ang lunsod ay dalisay na ginto, na tulad ng kristal. Ang mga saligan ng pader ng lunsod ay ginagayakan ng sari-saring mahahalagang bato. Ang unang saligan ay jaspe, ang ikalawa ay safiro, ang ikatlo ay calcedonia, ang ikaapat ay esmeralda, ang ikalima ay onix, ang ikaanim ay sardio, ang ikapito ay crisolito, ang ikawalo ay berilo, ang ikasiyam ay topacio, ang ikasampu ay crisopasio, ang ikalabing-isa ay jacinto, ang ika-labindalawa ay ametista. At ang labindalawang pintuan ay labindalawang perlas, at bawat pinto ay yari sa isang perlas, at ang lansangan ng lunsod ay dalisay na ginto, na gaya ng naaaninag na salamin. At hindi ako nakakita ng templo roon, sapagkat ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero ang siyang templo roon. At ang lunsod ay hindi nangangailangan ng araw, o ng buwan man, upang magbigay liwanag sa kanya, sapagkat ang liwanag niya ay ang kaluwalhatian ng Diyos, at ang ilaw doon ay ang Kordero. Ang mga bansa ay lalakad sa pamamagitan ng liwanag nito; at ang mga hari sa lupa ay magdadala ng kanilang karangalan sa kanya. At ang mga pintuan niyon ay hindi isasara kailanman sa araw; sapagkat hindi magkakaroon doon ng gabi. Dadalhin nila sa loob niyon ang karangalan at kapurihan ng mga bansa; at hindi makakapasok doon ang anumang bagay na marumi, o ang sinumang gumagawa ng karumaldumal o ng kasinungalingan, kundi sila lamang na nakasulat sa aklat ng buhayng Kordero. At ipinakita sa akin ng anghel ang isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na gaya ng kristal, na lumalabas mula sa trono ng Diyos at ng Kordero sa gitna ng lansangan ng lunsod. Sa magkabilang panig ng ilog ay naroon ang punungkahoy ng buhay, na namumunga ng labindalawang iba't ibang bunga, na namumunga sa bawat buwan; at ang mga dahon ng punungkahoy ay para sa pagpapagaling sa mga bansa. At hindi na roon magkakaroon pa ng isinumpa. Ngunit ang trono ng Diyos at ng Kordero ay matatagpuan doon, at siya'y paglilingkuran ng kanyang mga alipin; at makikita nila ang kanyang mukha at ang kanyang pangalan ay masusulat sa kanilang mga noo. Hindi na magkakaroon pa ng gabi, at sila'y hindi nangangailangan ng liwanag ng ilawan, ni ng liwanag man ng araw, sapagkat ang Panginoong Diyos ang magbibigay liwanag sa kanila, at sila'y maghahari magpakailanpaman. At sinabi niya sa akin, "Ang mga salitang ito'y tapat at tunay. Ang Panginoon, ang Diyos ng mga espiritu ng mga propeta, ay nagsugo ng kanyang anghel upang ipakita sa kanyang mga alipin ang mga bagay na kailangang mangyari kaagad. Ako'y malapit nang dumating! Mapalad ang tumutupad ng mga salita ng propesiya ng aklat na ito." Akong si Juan ang nakarinig at nakakita ng mga bagay na ito. At nang aking marinig at makita, nagpatirapa ako upang sumamba sa harapan ng anghel na nagpakita sa akin ng mga bagay na ito. Ngunit sinabi niya sa akin, "Huwag mong gawin iyan! Ako'y kapwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na mga propeta, at ng mga tumutupad ng mga salita ng aklat na ito. Ang Diyos ang sambahin mo." At sinabi niya sa akin, "Huwag mong tatakan ang mga salita ng propesiya ng aklat na ito, sapagkat malapit na ang panahon. Ang masama ay hayaang magpakasama pa at ang marumi ay hayaang magpakarumi pa, at ang matuwid ay hayaang maging matuwid pa, at ang banal ay hayaang magpakabanal pa." "Ako'y malapit nang dumating at dala ko ang aking gantimpala, upang gantihan ang bawat isa ayon sa kanyang ginawa. Ako ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang pasimula at ang wakas." Mapapalad ang naghuhugas ng kanilang damit, upang sila'y magkaroon ng karapatan sa punungkahoy ng buhay at makapasok sa lunsod sa pamamagitan ng mga pintuan. Nasa labas ang mga aso, mga mangkukulam, mga mapakiapid, mga mamamatay tao, mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, at ang bawat umiibig at gumagawa ng kasinungalingan. 'Akong si Jesus ay nagsugo ng aking anghel upang sa inyo'y magpatotoo ng mga bagay na ito sa mga iglesya. Ako ang ugat at ang supling ni David, ang maningning na tala sa umaga." Ang Espiritu at ang babaing ikakasal ay nagsasabi, "Halika." At ang nakikinig ay magsabi, "Halika." At ang nauuhaw ay pumarito, ang may ibig ay kumuha ng tubig ng buhay nang walang bayad. Aking binabalaan ang bawat taong nakikinig sa mga salita ng propesiya ng aklat na ito: Kung ang sinuman ay magdagdag sa mga ito, idaragdag sa kanya ng Diyos ang mga salot na nakasulat sa aklat na ito, at kung ang sinuman ay mag-alis sa mga salita ng aklat ng propesiyang ito, aalisin ng Diyos ang kanyang bahagi sa punungkahoy ng buhay at sa banal na lunsod, na nakasulat sa aklat na ito. Ang nagpapatotoo sa mga bagay na ito ay nagsasabi, "Oo, ako'y malapit nang dumating." Amen. Pumarito ka Panginoong Jesus! Ang biyaya ng Panginoong Jesus ay mapasa mga banal. Amen.