Nang pasimula ay nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa; ang lupa ay walang hugis o anyo. Dilim ang bumabalot sa kalaliman at kumikilos ang Espiritu ng Diyos sa ibabaw ng tubig. Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng liwanag!” At nagkaroon nga. Nasiyahan ang Diyos nang ito'y mamasdan. Pinagbukod niya ang liwanag at ang dilim. Ang liwanag ay tinawag niyang Araw, at ang dilim naman ay tinawag na Gabi. Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang unang araw. Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng kalawakang maghahati sa tubig upang ito'y magkahiwalay!” At nangyari ito. Ginawa ng Diyos na pumagitan ang kalawakan sa tubig na nasa itaas at sa tubig na nasa ibaba. Langit ang itinawag niya sa kalawakan. Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikalawang araw. Sinabi ng Diyos: “Magsama-sama sa isang dako ang tubig sa silong ng langit upang lumitaw ang lupa.” At nangyari nga ito. Tinawag niyang Lupa ang tuyong bahagi at Dagat naman ang nagsama-samang tubig. Nasiyahan siya nang ito'y mamasdan. Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Magkaroon sa lupa ng lahat ng uri ng tumutubong halamang nagkakabinhi at mga punong namumunga.” At nangyari ito. Tumubo nga sa lupa ang gayong mga halaman. Nasiyahan siya nang ito'y mamasdan. Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikatlong araw. Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng mga tanglaw sa langit upang mabukod ang araw sa gabi. Ito ang magiging batayan sa bilang ng mga araw, taon at kapistahan. Mula sa langit, ang mga ito'y magbibigay ng liwanag sa daigdig.” At gayon nga ang nangyari. Nilikha ng Diyos ang dalawang malalaking tanglaw: ang Araw, upang magbigay liwanag sa maghapon, at ang Buwan, upang tumanglaw kung gabi. Nilikha rin niya ang mga bituin. Inilagay niya sa langit ang mga tanglaw na ito upang magbigay ng liwanag sa daigdig, tumanglaw kung araw at gabi, at magbukod sa liwanag at dilim. Nasiyahan ang Diyos nang ito'y kanyang mamasdan. Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikaapat na araw. Sinabi ng Diyos: “Magkaroon sa tubig ng maraming bagay na may buhay, at magkaroon din ng mga ibon sa himpapawid.” Nilikha ng Diyos ang mga dambuhala sa dagat, at lahat ng bagay na nabubuhay sa tubig, gayundin ang lahat ng uri ng ibon. Nasiyahan ang Diyos nang ito'y mamasdan. Pinagpala niya ang mga ito at sinabi: “Magpakarami ang lahat ng bagay na nabubuhay sa tubig at punuin ang karagatan; magpakarami rin ang mga ibon at punuin ang daigdig.” Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikalimang araw. Sinabi ng Diyos: “Magkaroon ng lahat ng uri ng hayop sa lupa—maaamo, maiilap, malalaki at maliliit.” At gayon nga ang nangyari. Ginawa nga niya ang lahat ng ito, at nasiyahan siya nang ito'y kanyang mamasdan. Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Ngayon, likhain natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis. Sila ang mamamahala sa mga isda, sa mga ibon sa himpapawid at sa lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit.” Nilalang nga ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan. Sila'y kanyang nilalang na isang lalaki at isang babae, at sila'y pinagpala niya. Sinabi niya, “Magpakarami kayo at punuin ninyo ng inyong mga anak ang buong daigdig, at kayo ang mamahala nito. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa tubig, sa mga ibon sa himpapawid, at sa lahat ng mga hayop na nasa ibabaw ng lupa. Ibinibigay ko rin sa inyo ang lahat ng uri ng halamang nagkakabinhi at mga bungangkahoy bilang pagkain ninyo. Ang lahat ng halamang luntian ay ibinibigay ko naman sa lahat ng hayop sa ibabaw ng lupa at sa lahat ng mga ibon.” At ito nga ang nangyari. Pinagmasdan ng Diyos ang lahat niyang ginawa, at lubos siyang nasiyahan. Lumipas ang gabi, at sumapit ang umaga—iyon ang ikaanim na araw. Nilikha nga ng Diyos ang langit at ang lupa at ang lahat ng bagay na naroroon. Tinapos niyang likhain ang lahat ng ito sa loob ng anim na araw, at siya'y nagpahinga sa ikapitong araw. Pinagpala niya ang ikapitong araw at itinuring itong banal, sapagkat sa araw na ito siya nagpahinga matapos likhain ang lahat. Ganito ang pagkalikha sa langit at sa lupa. Nang likhain ng Panginoong Yahweh ang lupa at lahat ng bagay sa langit, wala pang anumang halaman o pananim sa lupa, sapagkat hindi pa nagpapaulan noon ang Panginoong Yahweh, at wala pa ring nagsasaka. Ngunit mayroon nang bukal ng tubig na dumidilig sa kapatagan sa lupa. Pagkatapos, ginawa ng Panginoong Yahweh ang tao mula sa alabok, hiningahan niya sa ilong, at nagkaroon ito ng buhay. Gumawa ang Panginoong Yahweh ng isang halamanan sa Eden, sa dakong silangan, at doon dinala ang taong kanyang nilalang. Pinatubo niya roon ang lahat ng uri ng punongkahoy na magagandang pagmasdan at masasarap ang bunga. Sa gitna ng halamanan ay naroon ang punongkahoy na nagbibigay-buhay, at gayundin ang punongkahoy na nagbibigay-kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Umaagos noon mula sa Eden ang isang ilog na dumidilig sa halamanan. Paglabas doon, ito'y nahahati sa apat na sanga. Ang una na kung tawagi'y Ilog Pishon ay umaagos sa lupain ng Havila. Lantay ang ginto roon at marami ring bedelio at batong onise. Ang ikalawang sanga ng ilog na tinawag namang Gihon ay umaagos sa lupain ng Etiopia. Ilog Tigris naman ang tawag sa ikatlong sanga, at umaagos naman ito sa silangan ng Asiria. Ang ikaapat na sanga ng ilog ay ang Eufrates. Inilagay ng Panginoong Yahweh ang tao sa halamanan ng Eden upang ito'y pagyamanin at pangalagaan. Sinabi niya sa tao, “Makakain mo ang alinmang bungangkahoy sa halamanan, maliban sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Huwag na huwag mong kakainin ang bungang iyon, sapagkat sa araw na kainin mo iyon ay mamamatay ka.” Matapos gawin ang lahat ng ito, sinabi ng Panginoong Yahweh, “Hindi mabuti na mag-isa ang tao; bibigyan ko siya ng isang angkop na makakasama at makakatulong.” Kaya, mula sa lupa ay lumikha ang Panginoong Yahweh ng mga hayop sa parang at mga ibon sa himpapawid, dinala niya ang mga ito sa tao upang ipaubaya rito ang pagbibigay ng pangalan sa mga iyon. Kung ano ang kanyang itinawag, iyon ang naging pangalan ng mga ito. Ang tao nga ang nagbigay ng pangalan sa lahat ng ibon sa himpapawid at hayop sa parang. Ngunit wala isa man sa mga ito ang nababagay na makasama at makatulong niya. Kaya't pinatulog ng Panginoong Yahweh ang tao. Samantalang nahihimbing, kinuha niya ang isang tadyang nito at pinaghilom ang laman sa tapat niyon. Ang tadyang na iyo'y ginawa niyang isang babae, at dinala niya ito sa lalaki. Sinabi ng lalaki, “Sa wakas, narito ang isang tulad ko, laman ng aking laman, buto ng aking buto; babae ang itatawag sa kanya, sapagkat sa lalaki siya'y kinuha.” Ito ang dahilan kaya iniiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina, nagsasama sila ng kanyang asawa, at sila'y nagiging isa. Kapwa hubad noon ang lalaki at ang babae, ngunit hindi sila nahihiya. Ang ahas ang pinakatuso sa lahat ng hayop na nilikha ng Panginoong Yahweh. Isang araw tinanong nito ang babae, “Totoo bang sinabi ng Diyos na huwag kayong kakain ng anumang bungangkahoy sa halamanan?” Sumagot ang babae, “Maaari naming kainin ang anumang bunga sa halamanan, huwag lamang ang bunga ng puno na nasa gitna niyon. Sinabi ng Diyos na huwag naming kakainin ni hihipuin man ang bunga nito; kung kami raw ay kakain nito, mamamatay kami.” Ngunit sinabi ng ahas, “Hindi totoo iyan, hindi kayo mamamatay! Sinabi lang iyan ng Diyos, sapagkat alam niyang kung kakain kayo ng bunga niyon ay makakaunawa kayo. Kayo'y magiging parang Diyos at malalaman ninyo ang mabuti at masama.” Ang punongkahoy ay napakaganda sa paningin ng babae at sa palagay niya'y masarap ang bunga nito. Naisip din niya na kahanga-hanga ang maging marunong, kaya't pumitas siya ng bunga at kumain nito. Binigyan niya ang kanyang asawa, at kumain din ito. Nagkaroon nga sila ng pagkaunawa matapos kumain. Noon nila nalamang sila'y hubad, kaya kumuha sila ng mga dahon ng igos, pinagtahi-tahi nila ang mga ito at ginawang panakip sa katawan. Nang dapit-hapon na, narinig nilang naglalakad sa halamanan ang Panginoong Yahweh, kaya't nagtago sila sa mga puno. Ngunit tinawag niya ang lalaki at tinanong, “Saan ka naroon?” “Natakot po ako nang marinig kong kayo'y nasa halamanan; nagtago po ako sapagkat ako'y hubad,” sagot ng lalaki. Nagtanong muli ang Diyos, “Sinong maysabi sa iyong hubad ka? Bakit, kumain ka ba ng bungang ipinagbabawal ko?” “Kasi, pinakain po ako ng babaing ibinigay ninyo sa akin,” tugon ng lalaki. “Bakit mo ginawa ang bagay na iyon?” tanong ng Panginoong Yahweh sa babae. “Mangyari po'y nilinlang ako ng ahas, kaya ako natuksong kumain,” sagot naman nito. At sinabi ng Panginoong Yahweh sa ahas: “Sa iyong ginawa'y may parusang dapat, na ikaw lang sa lahat ng hayop ang magdaranas; mula ngayon ikaw ay gagapang, at ang pagkain mo'y alikabok lamang. Kayo ng babae'y aking pag-aawayin, binhi mo't binhi niya'y lagi kong paglalabanin. Ang binhi niya ang dudurog sa iyong ulo, at sa sakong niya'y ikaw ang tutuklaw.” Sa babae nama'y ito ang sinabi: “Sa pagbubuntis mo'y hirap ang daranasin, at sa panganganak sakit ay titiisin; ang asawang lalaki'y iyong nanasain, pasasakop ka sa kanya't siya mong susundin.” Ito naman ang sinabi ng Diyos kay Adan: “Dahil nakinig ka sa iyong asawa, nang iyong kainin ang ipinagbawal kong bunga; dahil dito'y sinusumpa ko ang lupa, sa hirap ng pagbubungkal, pagkain mo'y magmumula. Mga damo at tinik ang iyong aanihin, halaman sa gubat ang iyong kakainin; sa pagod at pawis pagkain mo'y manggagaling maghihirap ka hanggang sa malibing. Dahil sa alabok, doon ka nanggaling, sa lupang alabok ay babalik ka rin.” Eva ang itinawag ni Adan sa kanyang asawa, sapagkat siya ang ina ng sangkatauhan. Ang mag-asawa'y iginawa niya ng mga damit na yari sa balat ng hayop. Pagkatapos, sinabi ng Panginoong Yahweh, “Katulad na natin ngayon ang tao, sapagkat alam na niya ang mabuti at masama. Baka pumitas siya at kumain ng bungangkahoy na nagbibigay-buhay at hindi na siya mamatay.” Kaya, pinalayas niya sa halamanan ng Eden ang tao upang magbungkal ng lupang kanyang pinagmulan. Pinalayas nga siya ng Diyos. At sa dakong silangan ng halamanan ng Eden ay naglagay ang Diyos ng bantay na kerubin. Naglagay rin siya ng espadang nagniningas na umiikot sa lahat ng panig upang hindi malapitan ninuman ang punongkahoy ng buhay. Sinipingan ni Adan ang kanyang asawa at ito'y nagdalang-tao. Nang isilang ang kanyang panganay na lalaki ay sinabi ni Eva: “Nagkaroon ako ng anak na lalaki sa tulong ni Yahweh.” Kaya Cain ang ipinangalan niya rito. Sinundan si Cain ng isa pang anak na lalaki, at Abel naman ang ipinangalan dito. Naging pastol ito at si Cain naman ay naging magsasaka. Dumating ang panahon na si Cain ay naghandog kay Yahweh ng ani niya sa bukid. Kinuha naman ni Abel ang isa sa mga panganay ng kanyang kawan. Pinatay niya ito at inihandog ang pinakamainam na bahagi. Si Yahweh ay nasiyahan kay Abel at sa kanyang handog, ngunit hindi niya kinalugdan si Cain at ang handog nito. Dahil dito, hindi mailarawan ang mukha ni Cain sa tindi ng galit. Kaya't sinabi ni Yahweh, “Anong ikinagagalit mo, Cain? Bakit ganyan ang mukha mo? Kung mabuti ang ginawa mo, dapat kang magsaya. Kung masama naman, ang kasalana'y tulad ng mabangis na hayop na laging nag-aabang upang lapain ka. Nais nitong pagharian ka. Kaya't kailangang mapaglabanan mo ito.” Isang araw, niyaya ni Cain ang kanyang kapatid, “Abel, pumunta tayo sa bukid.” Sumama naman ito, ngunit pagdating nila sa bukid ay pinatay ni Cain si Abel. Tinanong ni Yahweh si Cain, “Nasaan ang kapatid mong si Abel?” Sumagot siya, “Hindi ko alam. Bakit, ako ba'y tagapag-alaga ng aking kapatid?” At sinabi ni Yahweh, “Cain, ano itong ginawa mo? Sumisigaw sa akin mula sa lupa ang dugo ng iyong kapatid, at humihingi ng katarungan. Sinusumpa kita ngayon, at hindi mo na maaaring bungkalin ang lupa dahil dumanak doon ang dugo ng kapatid mo na iyong pinaslang. Bungkalin mo man ang lupa upang tamnan, hindi ka mag-aani; wala kang matitirhan at magiging lagalag ka sa daigdig.” “Napakabigat namang parusa ito!” sabi ni Cain kay Yahweh. “Ngayong pinapalayas mo ako sa lupaing ito upang malayo sa iyong paningin, at maglagalag sa daigdig, papatayin ako ng sinumang makakakita sa akin.” “Hindi,” sagot ni Yahweh. “Paparusahan ng pitong ibayo ang sinumang papatay sa iyo.” Kaya't nilagyan ni Yahweh ng palatandaan si Cain upang maging babala sa sinuman na ito'y hindi dapat patayin. Iniwan ni Cain si Yahweh at tumira siya sa lupain ng Nod, isang lugar sa silangan ng Eden. Sinipingan ni Cain ang kanyang asawa, nagdalang-tao ito at nagkaanak ng isang lalaki na pinangalanang Enoc. Pagkatapos, nagtayo si Cain ng isang lunsod at ito'y tinawag na Enoc, bilang alaala sa kanyang anak. Si Enoc ang ama ni Irad na ama ni Mehujael. Anak naman nito si Metusael na ama ni Lamec. Nag-asawa si Lamec ng dalawa, sina Ada at Zilla. Naging anak ni Ada si Jabal, ang ninuno ng mga nagpapastol ng mga baka at ng mga tumitira sa tolda. Kapatid nito si Jubal na siya namang ninuno ng mga manunugtog ng alpa at plauta. Naging anak naman ni Zilla si Tubal-cain na ninuno ng lahat ng panday ng mga kagamitang tanso at bakal. Si Tubal-cain ay may kapatid na babae, si Naama. Sinabi ni Lamec sa dalawa niyang asawa: “Dinggin ninyo itong aking sasabihin, Ada at Zilla, mga asawa kong giliw; may pinatay akong isang kabataan, sapagkat ako'y kanyang sinugatan. Kung saktan si Cain, ang parusang gawad sa gagawa nito'y pitong patong agad; ngunit kapag ako ang siyang sinaktan, pitumpu't pitong patong ang kaparusahan.” Muling sinipingan ni Adan ang kanyang asawa, at ito'y nanganak ng isa pang lalaki. Sinabi ng ina, “Binigyan ako ng Diyos ng kapalit ni Abel na pinatay ni Cain;” at ito'y tinawag niyang Set. Si Set ang ama ni Enos. Noon nagsimulang tumawag sa pangalan ni Yahweh ang mga tao sa kanilang pagsamba. Ito ang kasaysayan ng lahi na mula kay Adan. Nang likhain ng Diyos ang tao, ginawa niya ito ayon sa kanyang larawan. Sila'y nilikha niya na lalaki at babae, at matapos pagpalain, sila'y tinawag niyang “Sangkatauhan”. Si Adan ay 130 taon nang maging anak niya si Set na kanyang kalarawan. Nabuhay pa siya nang walong daang taon, at nagkaroon pa ng mga anak na lalaki't babae. Namatay siya sa gulang na 930 taon. Si Set ay 105 taon nang maging anak niya si Enos. Nabuhay pa siya nang 807 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. Namatay siya sa gulang na 912 taon. Siyamnapung taon naman si Enos nang maging anak niya si Kenan. Nabuhay pa siya nang 815 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. Namatay siya sa gulang na 905 taon. Si Kenan naman ay pitumpung taon nang maging anak si Mahalalel. Nabuhay pa si Kenan nang 840 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. Namatay siya sa gulang na 910 taon. Animnapu't limang taon si Mahalalel nang maging anak si Jared. Nabuhay pa si Mahalalel nang 830 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. Namatay siya sa gulang na 895 taon. Si Jared ay 162 nang maging anak niya si Enoc. Nabuhay pa si Jared nang 800 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. Namatay siya sa gulang na 962 taon. Animnapu't limang taon naman si Enoc nang maging anak niya si Matusalem. Tatlong daang taon pang nabuhay si Enoc na kasama ang Diyos, at nagkaroon ng iba pang mga anak. Umabot siya nang 365 taon, at sa buong panahong iyon ay namuhay siyang kasama ng Diyos. Pagkatapos, nawala siya sapagkat kinuha siya ng Diyos. Si Matusalem ay 187 taon nang maging anak niya si Lamec. Nabuhay pa si Matusalem nang 782 taon at nagkaroon din ng iba pang mga anak. Namatay siya sa gulang na 969 na taon. Si Lamec naman ay 182 taon nang magkaroon ng anak. Sinabi niya, “Mula sa lupang ito na isinumpa ni Yahweh, ipinanganak ang lulunas sa lahat ng ating mga pagpapagal at paghihirap.” Kaya't Noe ang ipinangalan niya sa kanyang anak. Nabuhay pa si Lamec nang 595 taon at nagkaroon din siya ng iba pang mga anak. Namatay siya sa gulang na 777 taon. Si Noe nama'y 500 na nang maging anak niya sina Shem, Ham at Jafet. Napakarami na ng mga tao sa daigdig nang panahong iyon. Nagkaroon sila ng mga anak na babae. Nang makita ng mga anak ng Diyos na ang mga babaing anak ng tao ay magaganda, ang mga ito'y pumili sa kanila ng kanya-kanyang asawa. Sinabi ni Yahweh, “Hindi ko ipapahintulot na mabuhay nang habang panahon ang tao, sapagkat siya'y makalaman. Hindi na lalampas sa 120 taon ang kanyang buhay sa daigdig.” Nang panahong iyon, may mga higante sa ibabaw ng lupa. Sila ang naging bunga ng pakikipagtalik ng mga anak ng Diyos sa mga anak ng tao. Ang mga higanteng iyon ay tinanghal na mga dakilang bayani at tanyag na tao noong unang panahon. Nakita ni Yahweh na laganap na ang kasamaan ng tao sa daigdig, at puro kasamaan na lamang ang palaging nasa isip nito. Kaya't labis na ikinalungkot ni Yahweh na nilikha pa niya ang tao. Sinabi niya, “Lilipulin ko ang lahat ng taong aking nilalang. Lilipulin ko rin ang lahat ng hayop at mga ibon. Ikinalulungkot kong nilalang ko pa ang mga ito.” Ngunit si Noe ay naging kalugud-lugod kay Yahweh. Ito ang kasaysayan ni Noe. Matuwid at mabuting tao si Noe noong kanyang kapanahunan. Namuhay siya ayon sa kalooban ng Diyos. Siya'y may tatlong anak na lalaki, sina Shem, Ham at Jafet. Maliban kay Noe, masasama ang lahat ng tao sa paningin ng Diyos at laganap ang karahasan sa lahat ng dako. Ito ang kalagayang nakita ng Diyos sa buong daigdig; namumuhay sa kasamaan ang lahat ng tao. Sinabi ng Diyos kay Noe, “Napagpasyahan ko nang lipulin ang lahat ng tao sa daigdig. Umabot na sa sukdulan ang kanilang kasamaan. Gugunawin ko sila kasama ng daigdig. Kaya gumawa ka ng isang malaking barko na yari sa kahoy na sipres. Lagyan mo ito ng mga silid at pahiran mo ng alkitran ang loob at labas nito. Ang barkong gagawin mo ay 135 metro ang haba, 22 metro ang luwang, at 13.5 metro ang taas. Bubungan mo ito at lagyan ng kalahating metrong pagitan mula sa bubong hanggang sa tagiliran. Gawin mong tatlong palapag ang barko at lagyan mo ng pintuan sa tagiliran. Palulubugin ko sa tubig ang buong daigdig at malilipol ang lahat ng may buhay sa balat ng lupa. Ngunit ako'y gagawa ng kasunduan natin: Isama mo ang iyong asawa at mga anak na lalaki, pati mga asawa nila, at pumasok kayo sa barko. Magsakay ka ng isang lalaki at isang babae ng bawat uri ng hayop at ibon upang magpatuloy ang lahi nila. Magsakay ka rin ng tig-iisang pares sa bawat uri ng ibon at hayop at mga gumagapang sa lupa upang magpatuloy rin ang lahi ng mga ito. Maglaan ka ng lahat ng uri ng pagkain para sa inyo at sa kanila.” At ginawa nga ni Noe ang lahat ng iniutos sa kanya ng Diyos. Sinabi ni Yahweh kay Noe, “Pumasok kayong mag-anak sa barko. Sa lahat ng tao'y ikaw lamang ang nakita kong namumuhay ng matuwid. Magdala ka ng pitong pares sa bawat hayop na malinis, at isang pares naman sa di-malinis. Pitong pares din sa bawat uri ng ibon ang iyong dadalhin. Gawin mo ito upang magpatuloy ang kanilang lahi sa balat ng lupa. Pagkaraan ng isang linggo, pauulanin ko nang apatnapung araw at apatnapung gabi upang lipulin ang lahat ng aking nilikha sa daigdig.” At ginawa nga ni Noe ang bawat iniutos ni Yahweh. Si Noe ay 600 taon nang bumaha sa daigdig. Pumasok nga siya sa malaking barko kasama ang kanyang asawa, mga anak, at mga manugang upang maligtas sa baha. Sa bawat uri ng hayop, malinis o hindi, sa bawat uri ng ibon at maliliit na hayop, ay nagsama siya sa barko ayon sa utos ng Diyos. Pagkaraan ng pitong araw, bumaha nga sa buong daigdig. Si Noe ay 600 taóng gulang na noon. Noong ikalabimpitong araw ng ikalawang buwan, nabuksan ang lahat ng bukal sa ilalim ng lupa. Nabuksan din ang mga bintana ng langit. Bumuhos ang ulan sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi. Pumasok noon sa barko si Noe at ang kanyang asawa, kasama ang kanilang tatlong anak na lalaki na sina Shem, Ham at Jafet at ang kani-kanilang asawa. Pinapasok din niya ang bawat uri ng hayop—mailap at maamo, lumalakad at gumagapang sa lupa, at bawat uri ng ibon. Isang lalaki at isang babae ng bawat may buhay ang isinama ni Noe, ayon sa utos ng Diyos. Pagkatapos, isinara ni Yahweh ang pinto ng barko. Apatnapung araw na bumaha sa daigdig. Lumaki ang tubig at lumutang ang barko. Palaki nang palaki ang tubig habang palutang-lutang naman ang barko. Patuloy pang lumaki ang tubig hanggang sa lumubog ang lahat ng matataas na bundok, at tumaas pa nang halos pitong metro sa taluktok ng mga bundok. Namatay ang bawat may buhay sa lupa—mga ibon, maaamo at maiilap na mga hayop, lahat ng gumagapang sa lupa, at lahat ng tao. Ang lahat ng may hininga sa ibabaw ng lupa ay namatay. Ang mga tao at mga hayop sa daigdig ay nilipol ng Diyos, maliban kay Noe at sa kanyang mga kasama sa barko. Nagsimulang bumabâ ang tubig pagkatapos ng 150 araw. Hindi nawaglit sa isipan ng Diyos si Noe at ang lahat ng hayop na kasama niya sa malaking barko. Kaya't pinaihip niya ang hangin, at nagsimulang humupa ang tubig. Huminto ang mga bukal at tumigil ang pagbuhos ng ulan. Patuloy na humupa ang tubig, at pagkaraan ng 150 araw ay mababa na ang baha. Sumadsad ang barko sa Bundok ng Ararat noong ikalabimpitong araw ng ikapitong buwan. Patuloy ang paghupa ng tubig at nang unang araw ng ikasampung buwan, lumitaw ang taluktok ng mga bundok. Pagkalipas ng apatnapung araw, binuksan ni Noe ang bintana ng barko na kanyang ginawa. Pinalipad niya ang isang uwak at ito'y nagpabalik-balik hanggang matuyo ang tubig sa lupa. Pagkatapos nito, pinalipad naman niya ang isang kalapati upang tingnan kung wala nang tubig. Palibhasa'y laganap pa ang tubig, hindi makalapag ang kalapati, kaya't nagbalik ito at muling ipinasok ni Noe sa barko. Pitong araw pang naghintay si Noe, at pagkatapos ay muli niyang pinalipad ang kalapati. Pagbalik nito kinagabihan, ito'y may tangay nang sariwang dahon ng olibo. Kaya't natiyak ni Noe na kati na ang tubig. Nagpalipas ng pitong araw si Noe saka pinalipad muli ang kalapati. Hindi na ito nagbalik. Noon ay 601 taóng gulang na si Noe. Nang unang araw ng unang buwan, inalis ni Noe ang takip ng barko at nakita niyang natutuyo na ang lupa. Nang ikadalawampu't pitong araw ng ikalawang buwan, tuyung-tuyo na ang lupa. Sinabi ng Diyos kay Noe, “Lumabas ka na sa barko kasama ng iyong asawa, mga anak at mga manugang. Palabasin mo na rin ang lahat ng mga hayop na kasama mo—maamo at mailap, gumagapang at lumalakad sa lupa, at pati ang mga ibon. Hayaan mo silang dumami at manirahan sa buong daigdig.” At lumabas na nga si Noe at ang kanyang asawa, mga anak at mga manugang. Gayundin, sunod-sunod na lumabas ang lahat ng hayop, mailap at maamo, lahat ng gumagapang at lumalakad, pati ang mga ibon ayon sa kani-kanilang uri. Si Noe ay nagtayo ng altar para kay Yahweh. Kumuha siya ng isa sa bawat malinis na hayop at ibon, at sinunog bilang handog. Nang maamoy ni Yahweh ang mabangong samyo nito, sinabi niya sa sarili, “Hindi ko na susumpain ang lupa dahil sa gawa ng tao bagama't alam kong masama ang kanyang isipan mula sa kanyang kabataan. Hindi ko na lilipuling muli ang anumang may buhay kagaya ng ginawa ko ngayon. Hanggang naririto't buo ang daigdig, tagtanim, tag-ani, palaging sasapit; tag-araw, tag-ulan, tag-init, taglamig, ang araw at gabi'y hindi mapapatid.” Si Noe at ang kanyang mga anak ay binasbasan ng Diyos: “Magkaroon kayo ng maraming anak at punuin ninyo ng inyong supling ang buong daigdig. Matatakot sa inyo ang lahat ng hayop, pati mga ibon, ang lahat ng gumagapang sa lupa at ang mga isda. Ang lahat ng ito ay inilalagay ko sa ilalim ng inyong kapangyarihan. Gaya ng mga halamang luntian na inyong kinakain, lahat ng mga ito'y maaari na ninyong kainin. Huwag lamang ninyong kakainin ang karneng hindi inalisan ng dugo sapagkat nasa dugo ang buhay. Mananagot ang sinumang papatay sa inyo, maging ito'y isang hayop. Pagbabayarin ko ang sinumang taong papatay ng kanyang kapwa. Sinumang pumatay ng kanyang kapwa, buhay ang kabayaran sa kanyang ginawa, sapagkat sa larawan ng Diyos ang tao'y nilikha. “Magkaroon nga kayo ng maraming anak upang manirahan sila sa buong daigdig.” Sinabi ng Diyos kay Noe at sa kanyang mga anak, “Ako'y nakikipagtipan sa inyo ngayon, pati na sa inyong magiging mga anak, gayon din sa lahat ng mga bagay na may buhay sa paligid ninyo—sa mga ibon, pati sa maaamo't maiilap na hayop na kasama ninyo sa barko. Ito ang aking pakikipagtipan sa inyo: Kailanma'y hindi ko na lilipulin sa pamamagitan ng baha ang lahat ng may buhay. Wala nang baha na gugunaw sa daigdig.” Sinabi pa ng Diyos, “Ito ang magiging palatandaan ng walang hanggang tipan na ginagawa ko sa inyo at sa lahat ng hayop: Palilitawin ko sa mga ulap ang aking bahaghari, at iyan ang magiging tanda ng aking pakikipagtipan sa inyo. Tuwing magkakaroon ng ulap at lilitaw ang bahaghari, aalalahanin ko ang aking pangako sa inyo at sa lahat ng hayop. Hindi ko na lilipulin sa baha ang lahat ng may buhay. Tuwing lilitaw ang bahaghari, maaalala ko ang walang hanggang tipan na ginawa ko sa inyo at sa lahat ng may buhay sa balat ng lupa.” At sinabi ng Diyos kay Noe, “Ito ang tanda ng aking pangako sa lahat ng nabubuhay sa lupa.” Ang mga anak ni Noe na kasama niyang lumabas sa barko ay sina Shem, Jafet at Ham na ama ni Canaan. Ang tatlong ito ang pinagmulan ng lahat ng tao sa daigdig. Si Noe ay isang magsasaka at siya ang kauna-unahang nagbukid ng ubasan. Minsan, uminom siya ng alak at nalasing. Nakatulog siyang hubad na hubad sa loob ng kanyang tolda. Sa gayong ayos, nakita siya ni Ham ang ama ni Canaan at ibinalita ito sa kanyang mga kapatid. Kaya't kumuha sina Shem at Jafet ng balabal, iniladlad sa likuran nila at magkatuwang na lumakad nang patalikod patungo sa tolda. Tinakpan nila ang katawan ng kanilang ama. Ayaw nilang makita ang kahubaran ng kanilang ama. Nang mawala na ang kalasingan ni Noe, at malaman ang ginawa ng bunsong anak, sinabi niya: “O ikaw, Canaan, ngayo'y susumpain, sa mga kapatid mo ika'y paaalipin.” Sinabi rin niya, “Purihin si Yahweh, ang Diyos ni Shem, itong si Canaa'y maglilingkod kay Shem. Palawakin nawa ng Diyos ang lupain ni Jafet. Sa lahi ni Shem, sila'y mapipisan, at paglilingkuran si Jafet nitong si Canaan.” Si Noe ay nabuhay pa nang 350 taon pagkatapos ng baha, kaya't umabot siya sa gulang na 950 taon bago namatay. Ito ang kasaysayan ng mga anak ni Noe na sina Shem, Ham at Jafet pagkatapos ng baha. Ang mga anak na lalaki ni Jafet ay sina Gomer, Magog, Madai, Javan, Tubal, Meshec at Tiras. Sina Askenaz, Rifat at Togarma ang mga anak na lalaki ni Gomer. Ang kay Javan naman ay sina Elisha, Tarsis, Kitim at Rodanim. Ito ang mga anak at apo ni Jafet. Sa kanila nagmula ang mga bansa sa baybay-dagat at mga pulo. Bawat isa'y nagkaroon ng sariling lupain at wika. Ang mga anak na lalaki ni Ham ay sina Cus, Egipto, Libya at Canaan. Sina Seba, Havila, Sabta, Raama at Sabteca ang mga anak na lalaki ni Cus. Ang kay Raama naman ay sina Saba at Dedan. Si Nimrod, isa pang anak na lalaki ni Cus, ang kauna-unahan sa daigdig na naging dakila at makapangyarihan. Siya rin ang pinakamahusay na mangangaso dahil sa tulong ni Yahweh, kaya may kasabihang: “Maging mahusay ka sanang mangangaso tulad ni Nimrod, sa tulong ni Yahweh.” Kabilang sa kauna-unahang kaharian na sakop niya ang Babilonia, Erec at Acad, pawang nasa lupain ng Sinar. Mula rito'y pumunta siya sa Asiria at itinatag ang mga lunsod ng Nineve, Rohobot-ir, Cale at ang Resen sa pagitan ng Nineve at Cale, ang pangunahing lunsod. Si Egipto ang ama ng mga taga-Lud, Anam, Lehab at Naftuh, gayon din ng mga taga-Patrus, Casluh at Caftor na pinagmulan ng mga Filisteo. Ang panganay ni Canaan ay si Sidon na sinundan ni Het. Kay Canaan din nagmula ang mga Jebuseo, Amoreo, Gergeseo, Hivita, Araceo, Sineo, Arvadeo, Zemareo at Hamateo. Simula noon, kung saan-saan nakarating ang mga Cananeo. Mula sa Sidon, ang kanilang hangganan sa gawing timog ay umabot sa Gerar na malapit sa Gaza. Sa gawing silangan naman, umabot sila sa Sodoma, Gomorra, Adma at Zeboim na malapit sa Lasa. Ito ang lahi ni Ham na nanirahan sa iba't ibang lupain at naging iba't ibang bansa na may kani-kanilang wika. Si Shem, ang nakatatandang kapatid ni Jafet, ang pinagmulan naman ng lahi ni Heber. Ang kanyang mga anak ay sina Elam, Ashur, Arfaxad, Lud at Aram. Ang mga anak naman ni Aram ay sina Uz, Hul, Geter at Mas. Si Arfaxad ang ama ni Selah na ama naman ni Heber. Dalawa ang anak ni Heber: ang isa'y tinawag na Peleg, sapagkat noong panahon niya ay nagkahiwa-hiwalay ang mga tao sa daigdig; ang kapatid niya ay si Joctan. Si Joctan ang ama nina Almodad, Shelef, Hazarmavet, Jerah, Hadoram, Uzal, Dikla, Obal, Abimael, Sheba, Ofir, Havila at Jobab. Sila ang mga anak na lalaki ni Joctan. Mula sa Mesha hanggang Sefar sa kaburulan sa silangan ang lawak ng kanilang lupain. Ito ang lahi ni Shem ayon sa kani-kanilang angkan, wika at bansa. Ito ang mga bansang nagmula sa mga anak ni Noe mula sa kanilang mga angkan. Sa kanila nagmula ang lahat ng bansa na lumaganap sa buong daigdig pagkatapos ng baha. Sa simula'y iisa ang wika at magkakapareho ang mga salitang ginagamit ng lahat ng tao sa daigdig. Sa kanilang pagpapalipat-lipat sa silangan, nakarating sila sa isang kapatagan sa Shinar at doon na nanirahan. Nagkaisa silang gumawa ng maraming tisa at lutuin itong mabuti para tumibay. Tisa ang ginagamit nilang bato at alkitran ang kanilang semento. Ang sabi nila, “Halikayo at magtayo tayo ng isang lunsod na may toreng abot sa langit upang maging tanyag tayo at huwag nang magkawatak-watak sa daigdig.” Bumabâ si Yahweh upang tingnan ang lunsod at ang toreng itinayo ng mga tao. Sinabi niya, “Ngayon ay nagkakaisa silang lahat at iisa ang kanilang wika. Pasimula pa lamang ito ng mga binabalak nilang gawin. Hindi magtatagal at gagawin nila ang anumang kanilang magustuhan. Ang mabuti'y bumabâ tayo at guluhin ang kanilang wika upang hindi sila magkaintindihan.” At ginawa ni Yahweh na ang mga tao ay magkawatak-watak sa buong daigdig, kaya natigil ang pagtatayo ng lunsod. Babel ang itinawag nila sa lunsod na iyon, sapagkat doo'y ginulo ni Yahweh ang wika ng mga tao. At mula roon, nagkawatak-watak ang mga tao sa buong daigdig dahil sa ginawa ni Yahweh. Ito ang kasaysayan ng mga lahi na nagmula kay Shem. Dalawang taon makalipas ang baha, si Shem ay nagkaanak ng isang lalaki, si Arfaxad. Si Shem ay sandaang taóng gulang na noon. Nabuhay pa siya nang 500 taon, at nagkaroon pa ng ibang mga anak. Nang si Arfaxad ay tatlumpu't limang taon na, nagkaanak siya ng isang lalaki, si Shela. Nabuhay pa siya nang 403 taon, at nagkaroon pa ng ibang mga anak. Tatlumpung taon na noon si Shela nang maging anak niya si Heber. Nabuhay pa siya nang 403 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak. Sa gulang na tatlumpu't apat na taon, naging anak ni Heber si Peleg. Nabuhay pa siya nang 430 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak. Sa gulang na tatlumpung taon, naging anak ni Peleg si Reu. Nabuhay pa siya nang 209 taon, at nagkaroon pa ng ibang mga anak. Si Reu naman ay tatlumpu't dalawang taon na nang maging anak niya si Serug. Nabuhay pa siya nang 207 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak. Si Serug ay tatlumpung taon nang maging anak niya si Nahor. Nabuhay pa siya nang 200 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak. Naging anak naman ni Nahor si Terah nang siya'y dalawampu't siyam na taon. Nabuhay pa siya nang 119 taon, at nagkaroon din ng ibang mga anak. Pitumpung taon na si Terah nang magkaanak ng tatlong lalaki: sina Abram, Nahor at Haran. Ito naman ang kasaysayan ng mga anak ni Terah na sina Abram, Nahor at si Haran na ama ni Lot. Buháy pa si Terah nang mamatay si Haran sa kanyang sariling bayan ng Ur, sa Caldea. Napangasawa ni Abram si Sarai at napangasawa naman ni Nahor si Milca na anak ni Haran na ama rin ni Isca. Si Sarai ay hindi magkaanak sapagkat baog siya. Umalis si Terah sa bayan ng Ur, Caldea, kasama ang kanyang anak na si Abram, ang asawa nitong si Sarai at si Lot na anak ni Haran. Papunta sila sa Canaan ngunit nang dumating sa Haran, doon na sila nanirahan. Doon namatay si Terah sa gulang na 205 taon. Sinabi ni Yahweh kay Abram, “Lisanin mo ang iyong bayan, ang tahanan ng iyong ama at mga kamag-anak, at pumunta ka sa bayang ituturo ko sa iyo. Pararamihin ko ang iyong mga anak at apo at gagawin ko silang isang malaking bansa. Pagpapalain kita, at gagawin kong dakila ang iyong pangalan at ikaw ay magiging pagpapala sa marami. Ang sa iyo'y magpapala ay aking pagpapalain, at ang sa iyo'y sumumpa ay aking susumpain; sa pamamagitan mo, lahat ng mga bansa sa daigdig ay aking pagpapalain.” Sumunod nga si Abram sa utos ni Yahweh; nilisan niya ang Haran noong siya'y pitumpu't limang taon. Sumama sa kanya si Lot. Isinama ni Abram ang kanyang asawang si Sarai at si Lot na pamangkin niya. Dinala niyang lahat ang kanyang mga alipin at mga kayamanang naipon nila sa Haran. Pagkatapos nito'y nagtungo sila sa Canaan. Pagdating nila roon, nagtuloy si Abram sa isang banal na lugar sa Shekem, sa malaking puno ng Moreh. Noo'y naroon pa ang mga Cananeo. Nagpakita kay Abram si Yahweh na nagsabi sa kanya, “Ito ang lupaing ibibigay ko sa iyong lahi.” At nagtayo si Abram ng altar para kay Yahweh na nagpakita sa kanya. Buhat doon, nagtuloy siya sa kaburulan sa silangan ng Bethel at huminto sa pagitan ng Bethel na nasa kanluran at ng Ai na nasa silangan. Nagtayo rin siya roon ng altar at sumamba kay Yahweh. Mula roon, unti-unti silang nagpatuloy papunta sa gawing timog ng Canaan. Nagkaroon ng matinding taggutom sa lupain ng Canaan, kaya umalis doon sina Abram at naglakbay na patimog, patungo sa lupain ng Egipto, upang doon muna manirahan. Nang malapit na sila sa hangganan, sinabi niya sa kanyang asawa, “Sarai, napakaganda mo. Kapag nakita ka ng mga Egipcio, sasabihin nilang asawa kita at papatayin nila ako para makuha ka. Ang mabuti pa'y sabihin mong magkapatid tayo. Alang-alang sa iyo, hindi nila ako papatayin.” Nang makapasok na sina Abram sa Egipto, napuna nga ng mga Egipcio na napakaganda ni Sarai. Nang nakita siya ng mga pinuno roon, ibinalita nila sa Faraon kung gaano siya kaganda. Kaya't iniutos nitong kunin si Sarai at dalhin sa palasyo. Dahil sa kanya, mabuti ang naging pagtanggap ng Faraon kay Abram at binigyan pa niya ito ng mga tupa, kambing, baka, asno, kamelyo at mga alipin. Dahil dito'y pinahirapan ni Yahweh ang Faraon. Siya at ang buong palasyo ay nagdanas ng katakut-takot na karamdaman. Kaya't si Abram ay ipinatawag ng Faraon at tinanong, “Bakit mo ito ginawa sa akin? Bakit hindi mo sinabing asawa mo siya? Ang sabi mo'y kapatid mo siya, kaya naman kinuha ko siya para maging asawa. Heto na ang asawa mo. Kunin mo siya at umalis na kayo!” Iniutos ng Faraon sa kanyang mga tauhan na paalisin ang mag-asawa, dala ang lahat nilang ari-arian. Mula sa Egipto, si Abram ay naglakbay na pahilaga patungong Negeb, kasama ang kanyang asawa at ang pamangkin niyang si Lot, dala ang lahat niyang ari-arian. Mayaman na noon si Abram; marami na siyang mga tupa, kambing at baka. Marami na rin siyang naipong ginto at pilak. Mula sa Negeb, unti-unti siyang naglakbay pabalik sa dati niyang pinagkampuhan, sa pagitan ng Bethel at Ai. Pumunta siya sa dating pinagtayuan niya ng altar, at doon sumamba kay Yahweh. Si Lot, na kasa-kasama ni Abram ay marami na ring tupa, kambing at baka. Mayroon na rin siyang sariling pamilya at mga tauhan. Kinausap ni Abram si Lot, “Hindi tayo dapat mag-away, at ang mga tauhan natin, sapagkat magkamag-anak tayo. Mabuti pa'y maghiwalay tayo. Mamili ka: Kung gusto mo sa kaliwa, sa kanan ako; kung gusto mo sa kanan, sa kaliwa ako.” At nang iginala ni Lot ang kanyang paningin, nakita niyang ang Kapatagan ng Jordan hanggang sa Zoar ay sagana sa tubig, tulad ng halamanan ni Yahweh at ng lupain ng Egipto. Nangyari ito noong hindi pa natutupok ang Sodoma at Gomorra. Kaya pinili niya ang dakong silangan sa Kapatagan ng Jordan, at naghiwalay nga sila ni Abram. Nanatili si Abram sa Canaan. Samantala, si Lot ay nanirahan naman sa mga lunsod sa kapatagan na malapit sa Sodoma. Napakasama ng mga tao sa lunsod ng Sodoma; namumuhay sila nang laban kay Yahweh. Pagkaalis ni Lot, sinabi ni Yahweh kay Abram, “Tumanaw ka sa palibot mo. Ang buong lupaing natatanaw mo ay ibibigay ko sa iyo, at sa magiging lahi mo magpakailanman. Ang iyong mga salinlahi ay gagawin kong sindami ng alikabok sa lupa na di kayang bilangin ninuman. Libutin mo na ang buong lupain; ang lahat ng iyan ay ibibigay ko sa iyo.” Lumipat si Abram sa Hebron, at doon tumira sa tabi ng malalaking puno sa Mamre. Nagtayo siya roon ng altar para kay Yahweh. Nang panahong iyon, sina Haring Amrafel ng Sinar, Arioc ng Elasar, Kedorlaomer ng Elam at Tidal ng Goyim, ay nakipagdigma kina Haring Bera ng Sodoma, Birsha ng Gomorra, Shinab ng Adma, Shemeber ng Zeboim at Zoar ng Bela. Tinipon ng limang haring ito ang kanilang mga hukbo sa kapatagan ng Sidim na tinatawag ding Dagat na Patay. Ang mga ito ay labindalawang taon nang nasasakop ni Kedorlaomer, ngunit nang ika-13 taon, nagkaisa-isa silang umaklas laban sa kanya. Isang taon buhat nang sila'y umaklas, dumating si Kedorlaomer, kasama ang mga haring kakampi niya upang sila'y muling sakupin. Nalupig na niya ang mga bansang kanyang dinaanan: ang mga Refaita sa Astarot-carnaim, ang mga Zuzita sa Ham at ang mga Emita sa Save-kiryataim. Tinalo na rin nila ang mga Horeo sa kabundukan ng Seir hanggang sa Elparan, sa gilid ng disyerto. Buhat doo'y bumaling silang patungo sa Kades (o Enmispat) at sinakop ang lupain ng mga Amalekita at ng mga Amoreo sa Hazazon-tamar. Tinipon nga ng mga hari ng Sodoma, Gomorra, Adma, Zeboim at Bela ang kanilang mga hukbo sa Kapatagan ng Sidim. At doon nila hinarap sina Haring Kedorlaomer ng Elam, Tidal ng Goyim, Amrafel ng Sinar at Arioc ng Elasar—lima laban sa apat. Natalo ang limang hari, at nang sila'y tumakas sa labanan, ang hari ng Sodoma at ang hari ng Gomorra ay nahulog sa balon ng alkitran na marami sa dakong iyon. Ang iba'y nakatakas papunta sa kabundukan. Kaya't sinamsam ng apat na hari ang lahat ng ari-ariang natagpuan sa Sodoma at Gomorra, pati ang pagkain doon. Binihag din nila ang pamangkin ni Abram na si Lot na nakatira sa Sodoma, at kinuha ang lahat ng ari-arian nito. Isang takas ang nagbalita ng pangyayaring ito kay Abram na Hebreo, na noo'y nakatira malapit sa tabi ng sagradong kahuyan ni Mamre, isang Amoreo. Si Abram at si Mamre, kasama ang mga kapatid niyang sina Escol at Aner ay may umiiral na kasunduan. Pagkarinig niya sa nangyari sa kanyang pamangking si Lot, tinawag niya ang kanyang mga tauhan at nakatipon siya ng 318 mandirigma. Sinundan nila ang mga kalabang hari hanggang sa Dan. Pagdating doon, nagdalawang pangkat sila, at pagsapit ng gabi, sinalakay nila ang kaaway. Tinalo nila ang mga ito at hinabol hanggang Hoba sa hilaga ng Damasco. Nabawi nilang lahat ang nasamsam na ari-arian at nailigtas si Lot, ang mga kababaihan at ang iba pa nitong mga kasamahan. Sa pagbabalik ni Abram, pagkatapos niyang talunin si Haring Kedorlaomer at ang iba pang mga haring kasama nito, sinalubong siya ng hari ng Sodoma sa Libis ng Save, na tinawag ding Libis ng Hari. Dinalhan siya ni Melquisedec, hari ng Salem at pari ng Kataas-taasang Diyos, ng tinapay at alak, at binasbasan, “Pagpalain ka nawa, Abram, ng Kataas-taasang Diyos, na lumikha ng langit at lupa. Purihin ang Kataas-taasang Diyos, na nagbigay sa iyo ng tagumpay!” At ibinigay ni Abram kay Melquisedec ang ikasampung bahagi ng lahat ng kanyang nasamsam buhat sa labanan. Sinabi ng hari ng Sodoma kay Abram, “Iyo na ang lahat ng bagay na nakuha mo, subalit ibalik mo sa akin ang lahat ng mga tauhan ko.” Ngunit sumagot si Abram, “Sumumpa ako sa harapan ni Yahweh, ang Kataas-taasang Diyos na lumikha ng langit at lupa. Nangako akong hindi kukuha ng anuman sa iyo, kahit kaputol na sinulid o tali ng sandalyas, para wala kang masabi na ikaw ang nagpayaman kay Abram. Wala akong kukuning anuman para sa sarili ko. Ang mga nagamit lamang ng aking mga tauhan ang aking tatanggapin, at ang bahaging nauukol sa aking mga kakampi. Hayaan ninyong kunin nina Aner, Escol at Mamre ang bahaging nauukol sa kanila.” Pagkaraan ng lahat ng ito, si Abram ay nagkaroon ng isang pangitain. Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Abram, huwag kang matakot. Ako ang iyong kalasag na mag-iingat sa iyo. Bibigyan kita ng napakalaking gantimpala.” Ngunit sinabi ni Abram, “Panginoong Yahweh, ano pang kabuluhan ng gantimpala mo sa akin kung wala naman akong anak? Wala akong tagapagmana kundi si Eliezer na taga-Damasco. Hindi mo ako pinagkalooban ng anak, kaya ang alipin kong ito ang magmamana ng aking ari-arian.” Subalit sinabi ni Yahweh, “Hindi isang alipin ang iyong magiging tagapagmana; ang sarili mong anak ang magiging tagapagmana.” Dinala siya ni Yahweh sa labas at sinabi sa kanya, “Tumingin ka sa langit at masdan mo ang mga bituin! Mabibilang mo ba iyan? Ganyan karami ang magiging lahi mo.” Si Abram ay sumampalataya kay Yahweh, at dahil dito, siya'y itinuring ni Yahweh bilang isang taong matuwid. Sinabi pa ni Yahweh kay Abram, “Ako ang kumuha sa iyo sa bayan ng Ur ng Caldea upang ibigay sa iyo ang lupaing ito.” Itinanong naman ni Abram, “ Panginoong Yahweh, paano ko malalamang ito'y magiging akin?” Sinabi sa kanya, “Dalhan mo ako ng isang baka, isang babaing kambing, at isang tupa, bawat isa'y tatlong taon ang gulang. Magdala ka rin ng isang kalapati at isang batu-bato.” Dinala nga ni Abram ang lahat ng iyon at biniyak ang bawat isa maliban sa mga ibon. Inihanay niyang magkakapatong ang pinaghating hayop. Bumabâ ang mga buwitre upang kainin ang mga ito, ngunit itinaboy sila ni Abram. Nang lumulubog na ang araw, nakatulog nang mahimbing si Abram, at nilukuban siya ng isang nakakapangilabot na kadiliman. Sinabi ni Yahweh, “Ang iyong mga anak at apo ay mangingibang-bayan at magiging alipin doon sa loob ng 400 taon. Ngunit paparusahan ko ang bansang aalipin sa kanila, at pag-alis nila roon ay marami silang kayamanang madadala. Pahahabain ko ang iyong buhay; mamamatay at ililibing kang payapa. Daraan muna ang apat na salinlahi bago sila makabalik dito, sapagkat hindi ko muna paparusahan ang mga Amoreo hanggang sa maging sukdulan ang kanilang kasamaan.” Pagkalubog ng araw at laganap na ang dilim, biglang may lumitaw na palayok na umuusok, at maningas na sulo na dumaan sa pagitan ng mga pinatay na hayop. At nang araw na iyon, gumawa si Yahweh ng kasunduan nila ni Abram at ganito ang sinabi niya: “Ibibigay sa lahi mo ang lupaing ito, mula sa hanggahan ng Egipto hanggang sa Ilog Eufrates, kasama ang lupain ng mga Cineo, Cenizeo, Cadmoneo, Heteo, Perezeo at Refaita, gayundin ang lupain ng mga Amoreo, Cananeo, Gergeseo at Jebuseo.” Hindi magkaanak si Sarai na asawa ni Abram. Ngunit mayroon siyang aliping babae na taga-Egipto na ang pangalan ay Hagar. Sinabi niya, “Abram, dahil pinagkaitan ako ni Yahweh ng anak, ang alipin ko ang sipingan mo. Baka sakaling magkaanak siya para sa akin!” Pumayag si Abram sa sinabi ni Sarai. At ipinaubaya nga ni Sarai sa kanyang asawa si Hagar upang maging asawang-lingkod. Sampung taon na si Abram na naninirahan sa Canaan nang ito'y nangyari. Matapos sipingan ni Abram si Hagar, nagdalang-tao nga ito. Subalit nagmalaki si Hagar at hinamak nito si Sarai. Dahil dito, sinabi ni Sarai kay Abram, “Ikaw ang dahilan ng paghamak ni Hagar sa akin! Alam mong ako ang nagkaloob sa iyo ng alipin kong ito; bakit niya ako hinahamak ngayong siya'y nagdadalang-tao? Si Yahweh na ang humatol kung sino sa atin ang tama!” At sumagot si Abram, “Alipin mo naman siya, kaya gawin mo sa kanya ang gusto mo.” Pinagmalupitan nga ni Sarai si Hagar, kaya ito'y tumakas. Sinalubong siya ng anghel ni Yahweh sa tabi ng isang bukal sa ilang na malapit sa daang patungo sa Shur. “Hagar, alipin ni Sarai, saan ka nanggaling at saan ka pupunta?” tanong ng anghel. “Tumakas po ako sa aking panginoon,” ang sagot ni Hagar. Sinabi ng anghel, “Magbalik ka at muling magpasakop sa kanya. Mga anak mo ay aking pararamihin, at sa karamiha'y di kayang bilangin; di na magtatagal, ika'y magsisilang, Ismael ang sa kanya'y iyong ipangalan, sapagkat dininig ni Yahweh ang iyong karaingan. Ngunit ang anak mo'y magiging mailap, hayop na asno ang makakatulad; maraming kalaban, kaaway ng lahat, di makikisama sa mga kaanak.” Kaya't nasabi ni Hagar sa sarili, “Talaga bang nakita ko rito ang Diyos na nakakakita sa akin at hanggang ngayo'y buháy pa rin ako?” Kaya't tinawag niya si Yahweh nang ganito: “Ikaw ang Diyos na Nakakakita.” Kaya't ang balon sa pagitan ng Kades at Bered ay tinawag nilang, “Balon ng Diyos na Buháy at Nakakakita sa Akin.” Nagsilang nga si Hagar ng isang anak na lalaki kay Abram at ito'y pinangalanan nitong Ismael. Noo'y walumpu't anim na taon na si Abram. Nang siyamnapu't siyam na taon na si Abram, nagpakita sa kanya si Yahweh at sinabi, “Ako ang Makapangyarihang Diyos. Sumunod ka sa akin at ingatan mong walang dungis ang iyong sarili habang ikaw ay nabubuhay. Ako'y makikipagtipan sa iyo at lubhang pararamihin ko ang iyong lahi.” Pagkarinig nito'y nagpatirapa si Abram. Sinabi pa sa kanya ng Diyos, “Ito ang aking tipan sa iyo: Ikaw ay magiging ama ng maraming bansa. Hindi na Abram ang itatawag sa iyo kundi Abraham, sapagkat ngayo'y ginagawa kitang ama ng maraming bansa. Pararamihin ko nga ang iyong lahi at magtatatag sila ng mga bansa; at may magiging hari sa kanila. “Tutuparin ko ang aking pangako sa iyo at sa iyong lahi habang panahon, at ako'y magiging Diyos ninyo. Ibibigay ko sa iyo at sa iyong magiging lahi ang lupaing ito ng Canaan na iyong tinitirhan ngayon bilang isang dayuhan. Ito ang magiging pag-aari nila sa habang panahon, at ako ang kanilang magiging Diyos.” Sinabi pa ng Diyos kay Abraham, “Ikaw at ang lahat ng susunod mong salinlahi ay dapat maging tapat sa ating kasunduan. Ganito ang inyong gagawin: lahat ng lalaki sa inyo ay tutuliin, at iyan ang magiging palatandaan ng ating tipan. Lahat ng lalaki na isisilang sa inyong lahi ay tutuliin pagsapit ng ikawalong araw, kasama rito ang mga aliping isinilang sa inyong sambahayan, gayundin ang mga aliping binili sa dayuhan. Ang palatandaang ito sa inyong katawan ang magiging katibayan ng ating walang katapusang kasunduan. Ang sinumang lalaking hindi tuli ay ititiwalag sa iyong lahi sapagkat hindi siya tumupad sa ating kasunduan.” Sinabi pa rin ng Diyos kay Abraham, “Hindi na Sarai ang itatawag mo sa iyong asawa kundi Sara sapagkat siya'y pagpapalain ko. Magkakaanak ka sa kanya at siya'y magiging ina ng maraming bansa; may magiging hari mula sa kanyang mga salinlahi.” Muling nagpatirapa si Abraham, ngunit napatawa siya nang kanyang maisip na siya'y matanda na. Nasabi niya sa sarili, “Magkakaanak pa ba ang isang lalaki na sandaang taóng gulang na? At si Sara! Maglilihi pa ba siya gayong siya'y siyamnapung taon na?” At sinabi niya sa Diyos, “Bakit hindi na lang po si Ismael ang magmana ng mga ipinangako ninyo sa akin?” Kaya't sumagot ang Diyos, “Hindi; ang asawa mong si Sara ay magkakaanak ng isang lalaki at tatawagin mo siyang Isaac. Makikipagtipan ako sa kanya at sa kanyang lahi magpakailanman. Tungkol naman kay Ismael, ipagkakaloob ko ang kahilingan mo: Pagpapalain ko siya at pararamihin ko rin ang kanyang lahi. Magkakaanak siya ng labindalawang prinsipe, at magiging bansang makapangyarihan ang kanyang salinlahi. Ngunit ang aking tipan sa iyo ay matutupad kay Isaac, na isisilang ni Sara sa isang taon, sa ganito ring panahon.” Pagkasabi nito, nilisan ng Diyos si Abraham. Nang araw ring iyon, ayon sa utos ng Diyos, tinuli ni Abraham si Ismael at lahat ng lalaki sa kanyang sambahayan, maging ang aliping ipinanganak doon o binili. Si Abraham ay siyamnapu't siyam na taon na nang tuliin, si Ismael naman ay labingtatlo. Tinuli sila sa parehong araw, at noon ding araw na iyon tinuli ang kanyang mga alipin. Nagpakita si Yahweh kay Abraham sa may tabi ng mga sagradong puno ni Mamre. Noo'y kainitan ng araw at nakaupo siya sa pintuan ng kanyang tolda. Walang anu-ano'y may nakita siyang tatlong lalaking nakatayo sa di kalayuan. Patakbo niyang sinalubong ang mga ito, at sa kanila'y yumuko nang halos sayad sa lupa ang mukha, at sinabi, “Mga ginoo, kung inyong mamarapatin, tumuloy po muna kayo sa amin. Magpahinga muna kayo rito sa lilim ng puno, at ikukuha ko kayo ng tubig na panghugas sa inyong mga paa. Ipaghahanda ko na rin kayo ng makakain para lumakas kayo bago kayo maglakbay. Ikinagagalak ko kayong paglingkuran habang naririto kayo sa amin.” Sila'y tumugon, “Salamat, ikaw ang masusunod.” Dali-daling pumasok sa tolda si Abraham at sinabi kay Sara, “Dali, kumuha ka ng tatlong takal ng magandang harina, at gumawa ka ng tinapay.” Pumili naman si Abraham ng isang matabang guya mula sa kawan, at ipinaluto kaagad sa isang alipin. Kumuha rin siya ng keso at gatas, kasama ang nilutong karne, at inihain sa mga panauhin. Hindi siya lumalayo sa tabi ng mga panauhin habang kumakain ang mga ito. Tinanong nila si Abraham, “Nasaan ang asawa mong si Sara?” “Naroon po sa tolda,” sagot naman niya. Sinabi ng isa sa mga panauhin, “Babalik ako sa isang taon, sa ganito ring panahon, at pagbalik ko'y may anak na siya.” Noon ay kasalukuyang nakikinig si Sara sa may pintuan ng tolda sa likuran ng panauhin. Ang mag-asawang Abraham at Sara ay parehong matanda na at hindi na nga dinaratnan si Sara. Lihim na natawa si Sara at nagwika sa sarili, “Ngayong ako'y matanda na pati ang aking asawa, masisiyahan pa kaya ako sa pakikipagtalik?” “Bakit natawa si Sara, at nagsabing kung kailan pa siya tumanda saka siya magkakaanak?” tanong ni Yahweh kay Abraham. “Mayroon bang hindi kayang gawin si Yahweh? Tulad ng sinabi ko, babalik ako sa isang taon at pagbalik ko'y may anak na siya.” Dahil sa takot, nagkaila si Sara at ang wika, “Hindi po ako tumawa.” Ngunit sinabi niya, “Huwag ka nang magkaila, talagang tumawa ka.” Pagkatapos, umalis ang tatlong lalaki at inihatid sila ni Abraham hanggang sa isang dako na natatanaw na ang Sodoma. Sinabi ni Yahweh, “Hindi ko dapat ilihim kay Abraham ang aking gagawin, sapagkat pinili ko siya upang maging ama ng isang malaki at makapangyarihang bansa. Sa pamamagitan niya, ang lahat ng mga bansa sa daigdig ay aking pagpapalain. Pinili ko si Abraham upang turuan niya ang kanyang lahi na sumunod sa aking mga utos, sa pamamagitan ng paggawa ng matuwid at pagpapairal ng katarungan. Kapag nangyari iyon, tutuparin ko ang aking pangako sa kanya.” Kaya't sinabi ni Yahweh, “Katakut-takot na ang sumbong sa akin laban sa Sodoma at Gomorra, at napakalaki ng kanilang kasalanan. Kaya't bababâ ako roon at aalamin ko kung totoo o hindi ang paratang laban sa kanila.” Umalis nga ang mga lalaki at nagpunta sa Sodoma, ngunit naroon pa rin si Yahweh sa tabi ni Abraham. Itinanong ni Abraham, “Lilipulin po ba ninyo ang lahat ng tao, ang mabubuti kasama ng masasama? Sakali pong may limampung mabubuting tao sa lunsod, wawasakin pa rin ba ninyo iyon? Hindi po ba ninyo patatawarin ang lunsod alang-alang sa limampung iyon? Naniniwala po akong hindi ninyo idaramay ang mabubuti. Hindi ninyo gagawin iyon sapagkat kung ganito ang mangyayari, parehong magdurusa ang masama at ang mabuti. Hindi ninyo magagawa iyon! Makatarungan ang Hukom ng buong daigdig!” At sumagot si Yahweh, “Hindi ko wawasakin ang lunsod alang-alang sa limampung mabubuting tao.” “Ipagpaumanhin po ninyo ang aking kapangahasan,” wika ni Abraham, “wala po akong karapatang magsalita sa inyo, sapagkat ako'y isang hamak na tao lamang. Kung wala pong limampu, at apatnapu't lima lamang ang mabubuti, wawasakin pa rin ba ninyo ang lunsod?” “Hindi, hindi ko wawasakin alang-alang sa apatnapu't limang iyon,” tugon ni Yahweh. Nagtanong muli si Abraham, “Kung apatnapu lamang?” “Hindi ko wawasakin ang lunsod alang-alang sa apatnapung iyon,” tugon sa kanya. “Huwag sana kayong magagalit, magtatanong pa ako. Kung tatlumpu lamang ang mabuting tao roon, wawasakin ba ninyo?” Sinagot siya, “Hindi ko wawasakin ang lunsod alang-alang sa tatlumpung iyon.” Sinabi pa ni Abraham, “Mangangahas po uli ako. Kung dalawampu na lamang ang mabubuting tao roon?” “Hindi ko pa rin wawasakin ang lunsod alang-alang sa dalawampung iyon,” muling sagot sa kanya. Sa huling pagkakataon ay nagtanong si Abraham, “Ito na po lamang ang itatanong ko: Paano po kung sampu lamang ang mabubuting tao roon?” “Hindi ko pa rin wawasakin ang lunsod alang-alang sa sampung iyon,” sagot ni Yahweh. Pagkasabi nito, umalis na si Yahweh at umuwi naman si Abraham. Nang gabing dumating sa Sodoma ang dalawang anghel, nakaupo si Lot sa may pintuan ng lunsod. Pagkakita sa kanila'y tumayo si Lot at sinalubong sila. Nagpatirapa siya sa harapan ng mga anghel. “Mga ginoo,” wika niya, “inaanyayahan ko po kayo sa amin. Doon na kayo maghugas ng paa at magpalipas ng gabi. Bukas na ng umaga kayo magpatuloy ng paglalakbay.” Ngunit sumagot sila, “Huwag na, dito na lang kami sa lansangan magpapalipas ng gabi.” Ngunit pinilit niya ang mga ito kaya sumama na rin sila sa kanya. Nagluto si Lot ng tinapay na walang pampaalsa, naghanda ng masarap na hapunan at kumain sila. Nang matutulog na sila, pinaligiran ng mga lalaking taga-Sodoma ang kanyang bahay. Lahat ng kalalakihan sa lunsod, bata at matanda ay naroon. Pasigaw nilang tinanong si Lot, “Nasaan ang mga panauhin mong lalaki? Ilabas mo't makikipagtalik kami sa kanila!” Lumabas si Lot at isinara ang pinto. Sinabi niya sa mga tao, “Huwag, mga kaibigan, napakasama ng gagawin ninyong iyan. Ako'y may dalawang anak na dalaga, sila na lang ang ibibigay ko sa inyo at gawin ninyo sa kanila ang gusto ninyo, huwag lamang ninyong galawin ang mga lalaking ito. Mga panauhin ko sila at dapat ko silang ingatan.” Ngunit sumigaw sila, “Huwag kang makialam, dayuhan! Sino kang magtuturo sa amin ng aming gagawin? Tumabi ka kung ayaw mong masaktan nang higit kaysa kanila!” Itinulak nila si Lot at tinangkang wasakin ang pinto. Ngunit hinaltak siya ng kanyang mga panauhin, at isinara ang pinto. Pagkatapos, binulag nila ang mga tao sa labas kaya't hindi makita ng mga ito ang pinto. Sinabi ng dalawang panauhin kay Lot, “Magmadali ka! Isama mong lahat ang iyong mga anak at iba pang kamag-anak na nakatira sa lunsod na ito. Umalis na kayo rito, sapagkat gugunawin na namin ang lunsod na ito! Pinakinggan ni Yahweh ang mabibigat na sumbong laban sa mga taga-Sodoma at pinapunta kami ni Yahweh upang wasakin ang lunsod na ito.” Kaya't pinuntahan ni Lot ang mga mapapangasawa ng kanyang mga anak na babae at sinabi sa kanila, “Umalis na kayo agad sapagkat wawasakin ni Yahweh ang lunsod na ito.” Ngunit akala nila'y nagbibiro lamang si Lot. Nang magbubukang-liwayway na, inapura ng mga anghel si Lot, “Magmadali ka! Umalis na kayo ng iyong asawa't mga anak nang hindi kayo madamay sa pagkawasak ng lunsod.” Nag-aatubili pa si Lot ngunit sa habag ni Yahweh, halos kaladkarin na sila ng mga lalaki palabas ng lunsod. Pagkatapos, isa sa mga anghel ay nagsabi, “Iligtas ninyo ang inyong sarili! Huwag kayong lilingon o hihinto sa libis! Magtago kayo sa kaburulan para hindi kayo mamatay!” Ngunit sumagot si Lot, “Huwag na po roon, Ginoo. Napakalaki na ng utang na loob ko sa inyo; napakabuti ninyo at iniligtas ninyo ako. Ngunit napakalayo ng mga kaburulan. Baka hindi na ako makarating doon nang buháy. Hindi ba maaaring doon na lamang sa maliit na bayang iyon?” “Oo, sige, doon na kayo magpunta, at hindi ko wawasakin ang bayang iyon. Ngunit magmadali kayo! Hindi ko maitutuloy ang gagawin ko hangga't wala kayo roon.” Maliit ang bayang iyon kaya ito'y tinawag na Zoar. Mataas na ang araw nang makarating si Lot sa Zoar. Saka pa lamang pinaulanan ni Yahweh ng apoy at asupre ang Sodoma at Gomorra. Tinupok ni Yahweh ang mga lunsod na iyon at ang buong libis, lahat ng mamamayan doon pati ang mga pananim. Ngunit lumingon ang asawa ni Lot kaya't ito'y naging isang haliging asin. Kinabukasan, maagang nagtungo si Abraham sa dakong pinagtagpuan nila ni Yahweh. Mula roon, tinanaw niya ang Sodoma at Gomorra, at ang buong libis. Nakita niyang tumataas ang makapal na usok na parang nagmumula sa malaking hurno. Nang gunawin ng Diyos ang mga lunsod na iyon, hindi nawaglit sa kanyang isipan si Abraham kaya iniligtas niya si Lot. Sa takot ni Lot na manatili sa Zoar, sila ng dalawa niyang anak na babae ay umakyat sa kaburulan at nanirahan sa isang yungib doon. Minsan, nag-usap ang magkapatid. Sinabi ng nakatatanda, “Wala nang natitirang lalaki sa daigdig. Matanda na ang ating ama at maaaring hindi na tayo magkaanak. Mabuti pa'y lasingin natin siya at ating sipingan para magkaanak tayo.” Nilasing nga nila ang kanilang ama nang gabing iyon. Sa kalasingan ni Lot, hindi niya namalayang nakipagtalik siya sa anak niyang panganay. Kinabukasa'y sinabi ng panganay sa bunso, “Kagabi'y sumiping ako sa ating ama; lasingin natin siya uli mamaya, at ikaw naman ang sumiping nang pareho tayong magkaanak.” Nilasing nga nila uli si Lot nang gabing iyon, at ang bunso naman ang sumiping. Tulad ng dati, hindi namalayan ni Lot ang kanyang pakikipagtalik dahil sa kalasingan. Bunga nito, kapwa nagdalang-tao ang magkapatid. Nagkaanak ng lalaki ang panganay at tinawag niyang Moab. Siya ang ninuno ng mga Moabita ngayon. Lalaki rin ang naging anak ng bunso at tinawag naman niya itong Ben-ammi. Siya naman ang ninuno ng mga Ammonita ngayon. Nilisan ni Abraham ang Mamre at nagpunta sa lupain ng Negeb sa pagitan ng Kades at Shur, at tumira sa Gerar. Habang siya'y naroon, kapatid ang pakilala niya kay Sara, kaya ito'y ipinakuha ni Abimelec, hari ng Gerar. Sa isang panaginip, nagpakita ang Diyos kay Abimelec at sinabi, “Mamamatay ka dahil sa babaing kinuha mo; siya ay may asawa na.” Noon ay hindi pa nasisipingan ni Abimelec si Sara, kaya't sinabi niya, “Panginoon, papatayin ba ninyo ako at ang aking bayan na wala namang kasalanan? Kapatid ang pakilala ni Abraham kay Sara, at gayundin naman ang pakilala nito kay Abraham. Ginawa ko po ito na malinis ang aking hangarin, kaya wala akong kasalanan.” Sumagot ang Diyos, “Oo, alam kong malinis ang hangarin mo, kaya naman hindi ko na hinintay na magalaw mo siya upang huwag ka nang magkasala sa akin. Ibalik mo siya agad sa kanyang asawa. Propeta ang asawa niya, at ipapanalangin ka niya upang hindi ka mamatay. Kapag hindi mo siya ibinalik, hindi lamang ikaw ang mamamatay, kundi pati ang buong nasasakupan mo.” Kinabukasan, sinabi ni Abimelec sa mga alipin niya ang mga bagay na ito, at gayon na lamang ang kanilang pagkatakot. Dahil dito'y ipinatawag ni Abimelec si Abraham at tinanong, “Bakit mo ginawa ito? Ano bang kasalanan ko at dinalhan mo ng kapahamakang ito ang aking kaharian? Hindi tama ang ginawa mo! Ano bang pumasok diyan sa isip mo at ginawa mo ang bagay na ito?” Sumagot si Abraham, “Ang akala ko po'y walang takot sa Diyos ang mga tagarito, at nangangamba akong baka patayin nila ako para makuha ang aking asawa. Ang totoo po'y kapatid ko siya sa ama at napangasawa ko siya. Kaya po nang sabihin sa akin ng Diyos na lisanin ko ang sambahayan ng aking ama, sinabi ko sa aking asawa, ‘Mabuti pa'y ganito ang gawin mo: saanman tayo pumunta, sabihin mong tayo'y magkapatid at sa gayo'y maipapakita mo ang iyong katapatan sa akin.’” Sa halip na parusahan, binigyan pa ni Abimelec si Abraham ng mga tupa, baka at mga aliping lalaki at babae, at ibinalik niya si Sara. Sinabi pa niya kay Abraham, “Sa buong lupain kong ito, tumira ka kung saan mo gusto.” Ito naman ang sinabi niya kay Sara: “Binibigyan ko ang iyong kapatid ng sanlibong pirasong pilak, bilang katunayan na ang dangal mo'y hindi nadungisan. Sa gayon, hindi iisipin ninuman na ikaw ay may ginawang masama.” Pinagpala ni Yahweh si Sara at tinupad ang kanyang pangako. Ayon sa panahong sinabi ng Diyos, si Sara nga ay nagdalang-tao at nanganak ng isang lalaki, kahit matanda na noon si Abraham. Isaac ang ipinangalan ni Abraham sa kanyang anak. Ayon sa utos ng Diyos, tinuli ni Abraham ang bata walong araw pagkasilang nito. Isandaang taon na si Abraham nang ipanganak si Isaac. Sinabi ni Sara, “Nakakatawa ang ginawang ito sa akin ng Diyos at sinumang makarinig nito'y tiyak na matatawa rin.” At sinabi pa niya, “Sa edad na iyon ni Abraham, sinong makakapagsabi sa kanyang ako'y mag-aalaga pa ng bata? Gayunman, nabigyan ko pa rin siya ng anak kahit siya'y matanda na.” Lumaki ang bata, at nang ito'y awatin, naghanda nang malaking salu-salo si Abraham. Minsan, nakikipaglaro kay Isaac si Ismael, ang anak ni Abraham kay Hagar na taga-Egipto. Nang makita ito ni Sara, sinabi niya kay Abraham, “Palayasin mo ang aliping iyan at ang kanyang anak, sapagkat ang anak ng aliping iyan ay hindi dapat makibahagi sa mamanahin ng anak kong si Isaac!” Labis itong ikinalungkot ni Abraham sapagkat anak din niya si Ismael. Ngunit sinabi ng Diyos kay Abraham, “Huwag kang mag-alala tungkol sa mag-ina. Sundin mo na ang gusto ni Sara, sapagkat kay Isaac magmumula ang lahing sinabi ko sa iyo. Ngunit ang anak mong iyan kay Hagar ay magkakaanak din ng marami, at sila'y magiging isang bansa, dahil anak mo rin naman si Ismael.” Madaling araw pa lamang, ang mag-ina'y ipinaghanda na ni Abraham ng baong pagkain at inumin. Ipinapasan ni Abraham ang mga ito kay Hagar at ang mag-ina ay kanyang pinaalis. Nagpagala-gala sila sa ilang ng Beer-seba. Nang maubos na ang dalang tubig, iniwan ni Hagar ang kanyang anak sa lilim ng isang mababang punongkahoy, at naupo nang may sandaang metro mula sa kinaroroonan ng bata. Sabi niya sa sarili, “Di ko matitiis na makitang mamatay ang aking anak.” Samantalang nakaupo siyang nag-iisip, umiiyak naman ang bata. Narinig ng Diyos ang iyak ng bata, at nagsalita mula sa langit ang anghel ng Diyos, “Hagar, anong bumabagabag sa iyo? Huwag kang matakot. Naririnig ng Diyos ang iyak ng iyong anak. Lapitan mo siya at patahanin. Gagawin kong isang dakilang bansa ang kanyang lahi.” Pinagliwanag ng Diyos ang paningin ni Hagar at nakita nito ang isang balon. Pinuno niya ng tubig ang dalang sisidlan at pinainom ang bata. Hindi nga pinabayaan ng Diyos si Ismael; ito'y lumaki sa ilang ng Paran at naging mahusay na mangangaso. Ikinuha siya ng kanyang ina ng mapapangasawa mula sa lupain ng Egipto. Nang panahong iyon, isinama ni Haring Abimelec si Picol, pinuno ng hukbo, at sila'y nagpunta kay Abraham. Sinabi ni Abimelec kay Abraham, “Sa lahat ng gawain mo'y pinagpapala ka ng Diyos. Isumpa mo ngayon sa harap ng Diyos na hindi mo ako dadayain pati na ang aking lahi. Kung paanong ako'y naging tapat sa iyo, ipangako mo rin namang magiging tapat ka sa akin at sa lupaing ito na tinitirhan mo ngayon.” “Nangangako ako,” tugon naman ni Abraham. Ngunit nagreklamo si Abraham kay Abimelec tungkol sa isang balon na inagaw ng mga alipin ng hari. Sumagot si Abimelec, “Hindi ko nalalaman iyon. Bakit ngayon mo lamang sinabi sa akin?” Nagkasundo ang dalawa, at binigyan ni Abraham si Abimelec ng ilang tupa't baka. Ibinukod ni Abraham ang pitong tupa ng kanyang kawan. “Anong kahulugan nito?” tanong ni Abimelec. Sumagot si Abraham, “Ito'y para sa iyo, bilang pagsang-ayon mo na akin ang balong ito.” Kaya ang lugar na iyon ay tinawag na Beer-seba, sapagkat doon ay nanumpa sila sa isa't isa. Matapos ang sumpaang iyon, bumalik na sa lupain ng mga Filisteo si Abimelec at si Picol na pinuno ng kanyang hukbo. Pagkaalis nila'y nagtanim naman si Abraham ng punong tamarisko sa Beer-seba at sumamba kay Yahweh, ang Diyos na Walang Hanggan. Mahabang panahong nanirahan si Abraham sa lupain ng mga Filisteo. Pagkalipas ng ilang panahon, sinubok ng Diyos si Abraham. Tinawag siya ng Diyos, “Abraham!” “Narito po ako,” tugon naman niya. Sinabi sa kanya, “Isama mo ang kaisa-isa at pinakamamahal mong anak na si Isaac, at magpunta kayo sa lupain ng Moria. Umakyat kayo sa bundok na ituturo ko sa iyo, at ihandog mo siya sa akin.” Kinabukasan, maagang bumangon si Abraham at nagsibak ng kahoy na gagamiting panggatong sa handog na susunugin. Inihanda niya ang asno, at umalis kasama si Isaac at ang dalawang aliping lalaki papunta sa lugar na sinabi ng Diyos sa kanya. Nang ikatlong araw ng paglalakbay, natanaw na nila ang dakong kanilang pupuntahan. Kaya't sinabi ni Abraham sa kanyang mga alipin, “Bantayan ninyo rito ang asno at kami na lamang ng bata ang aakyat sa bundok. Sasamba kami sa dako roon, at babalikan namin kayo.” Ipinapasan ni Abraham kay Isaac ang kahoy na panggatong. Dala naman niya ang apoy at patalim, at magkasama silang lumakad. Tinawag ni Isaac ang pansin ng ama, “Ama!” “Ano iyon, anak?” tugon ni Abraham. “Mayroon na tayong apoy at panggatong, ngunit nasaan ang tupang ihahandog?” tanong ni Isaac. Sumagot si Abraham, “Anak, ang Diyos ang magbibigay niyon.” Kaya't nagpatuloy sila sa paglakad. Pagsapit nila sa lugar na itinuro ng Diyos, gumawa ng altar si Abraham. Inayos niya sa ibabaw nito ang panggatong at inihiga si Isaac matapos gapusin. Nang sasaksakin na niya ang bata, tinawag siya ng anghel ni Yahweh at mula sa langit ay sinabi, “Abraham, Abraham!” “Narito po ako,” sagot ni Abraham. Sinabi ng anghel, “Huwag mong patayin ang bata. Huwag mo siyang saktan! Natitiyak ko ngayong handa kang sumunod sa Diyos, sapagkat hindi mo ipinagkait sa kanya ang kaisa-isa mong anak.” Paglingon niya'y may nakita siyang isang lalaking tupa na ang mga sungay ay napasabit sa mga sanga ng kahoy. Ito ang kinuha ni Abraham at inihandog sa halip na ang kanyang anak. Kaya't ang lugar na iyon ay tinawag ni Abraham na, “Si Yahweh ang Nagkakaloob.” At magpahanggang ngayon, sinasabi ng mga tao, “Sa bundok ni Yahweh ay may nakalaan.” Mula sa langit, nagsalitang muli kay Abraham ang anghel ni Yahweh, “Ako'y nangangako sa pamamagitan ng aking pangalan—Yahweh. Sapagkat hindi mo ipinagkait sa akin ang kaisa-isa mong anak, pagpapalain kita. Ang lahi mo'y magiging sindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dagat. Sasakupin nila ang mga lunsod ng kanilang mga kaaway. Sa pamamagitan ng iyong lahi, pagpapalain ang lahat ng bansa sa daigdig sapagkat sinunod mo ang aking utos.” Binalikan ni Abraham ang kanyang mga alipin, at sama-sama silang umuwi sa Beer-seba. Hindi nagtagal, nabalitaan ni Abraham na si Milca, ang asawa ng kanyang kapatid na si Nahor, ay nagkaroon din ng mga anak na lalaki. Ang panganay ay si Hus, sumunod si Buz at pagkatapos ay si Kemuel na ama ni Aram. Ang iba pang naging anak ni Nahor kay Milca, ayon sa pagkakasunud-sunod ay sina Kesed, Hazo, Pildas, Jidlaf at Bethuel. Si Bethuel ang ama ni Rebeca. Ito ang walong anak ni Nahor kay Milca. Kay Reuma na asawang-lingkod ni Nahor, naging anak naman niya sina Tebah, Gaham, Tahas at Maaca. Nabuhay si Sara nang 127 taon. Namatay siya sa Lunsod ng Arba, na tinatawag ding Hebron sa lupain ng Canaan. Ito'y labis na ikinalungkot ni Abraham. Sandaling iniwan ni Abraham ang bangkay at nakipag-usap sa mga Heteo. Pakiusap niya, “Ako'y isang dayuhan at nakikitira lamang sa inyong lupain. Kung maaari, pagbilhan ninyo ako ng lupang mapaglilibingan sa aking asawa.” Sumagot ang mga Heteo, “Kinikilala ka naming isang dakilang pinuno; pumili ka na ng lugar na gusto mo para paglibingan sa iyong asawa. Ikalulugod namin na ibigay sa inyo ang bahagi ng inyong mapipili.” Bilang pasasalamat, yumuko si Abraham sa harapan ng mga tao at sinabi niya, “Kung talagang hindi kayo tutol na dito ko ilibing ang aking asawa, tulungan ninyo akong makiusap kay Efron na anak ni Zohar. Nais kong saksihan ninyo ang pagbili ko sa yungib na nasa tabi ng kanyang lupain sa Macpela, upang ito'y gawing libingan. Babayaran ko siya sa hustong halaga.” Nagkataong si Efron ay kasama ng nagkakatipong mga Heteo sa may pintuan ng lunsod. Kaya, sinabi niya kay Abraham na naririnig ng lahat, “Hindi lamang ang yungib, kundi pati ang lupang kinalalagyan nito ay ibinibigay ko na rin sa inyo upang paglibingan sa inyong asawa. Saksi ko ang lahat ng naririto.” Muling yumuko si Abraham sa harapan ng mga naroroon, at sinabi niya kay Efron na naririnig ng lahat, “Kung maaari'y pakinggan mo ako. Bibilhin ko ang buong lupain. Tanggapin mo ang tamang kabayaran upang mailibing ko roon ang aking asawa.” Sumagot si Efron kay Abraham, “Apatnaraang pirasong pilak po ang halaga ng lupa. Huwag na nating pag-usapan; basta't paglibingan na ninyo.” Nagkasundo sila. Sa harapan ng mga tao'y tumimbang si Abraham ng halagang apatnaraang pirasong pilak, ayon sa halaga ng salaping umiiral noon sa pamilihan. Kaya't ang lupang iyon ni Efron sa Macpela sa silangan ng Mamre, pati na ang yungib at mga punongkahoy sa paligid nito ay naging pag-aari ni Abraham. Sinaksihan ito ng mga Heteong dumalo sa pagpupulong na iyon sa may pintuan ng lunsod. At inilibing nga ni Abraham si Sara sa yungib na iyon sa Macpela, silangan ng Mamre, sa lupain ng Canaan. Ito'y tinatawag ngayong Hebron. Ang lupa ngang iyon at ang yungib na dating pag-aari ng mga Heteo ay binili ni Abraham upang gawin niyang libingan. Matandang-matanda na noon si Abraham, at pinagpapalang mabuti ni Yahweh. Sinabi niya sa pinakamatanda niyang alipin na kanyang katiwala, “Ilagay mo ang iyong kamay sa pagitan ng aking mga hita at manumpa ka. Sumumpa ka sa akin sa pangalan ni Yahweh, ang Diyos ng langit at ng lupa, na hindi ka rito sa Canaan pipili ng mapapangasawa ng aking anak na si Isaac. Pumunta ka sa bayan kong tinubuan, at pumili ka sa aking mga kamag-anak doon ng mapapangasawa niya.” “Kung ayaw pong sumama ng mapipili ko, maaari po bang si Isaac na ang papuntahin doon?” tanong ng alipin. “Aba, hindi! Huwag mong papupuntahin doon si Isaac,” tugon ni Abraham. “Nilisan ko ang tahanan ng aking ama at iniwan ang lupain ng aking mga kamag-anak sapagkat dito ako pinapunta ni Yahweh, ang Diyos ng kalangitan. Nangako siyang ibibigay ang lupaing ito sa aking lahi. Magsusugo siya ng kanyang anghel na mauuna sa iyo upang tulungan ka sa pagpili ng mapapangasawa ng aking anak. Ngayon, kung ayaw sumama ng mapipili mo, wala ka nang pananagutan sa akin. Ngunit huwag mong papuntahin doon ang anak ko!” Kaya't inilagay ng alipin ang kanyang kamay sa pagitan ng hita ng panginoon niyang si Abraham, at nanumpang susundin ito. Naghanda ang alipin ng sampung kamelyo ng kanyang panginoon. Matapos kargahan ng maraming panregalo, naglakbay siya patungong Mesopotamia, sa lunsod na tinitirhan ni Nahor. Pagsapit sa labas ng lunsod, huminto siya at pinaluhod ang mga kamelyo sa tabi ng balon ng tubig na naroon. Sa gayong oras, tuwing magdarapit-hapon, dumarating ang mga babae para umigib. Siya'y nanalangin nang ganito: “Yahweh, Diyos ng panginoon kong si Abraham, maging matagumpay nawa ang aking lakad; tuparin po ninyo ang inyong pangako sa aking panginoong si Abraham. Hindi pa natatapos ang kanyang panalangin, dumating si Rebeca na may pasan na banga ng tubig. Siya ay anak ni Bethuel at apo ni Milca na asawa ni Nahor na kapatid ni Abraham. Siya'y dalaga pa at napakaganda. Lumusong siya sa kinaroroonan ng balon, pinuno ang kanyang banga, at umahon. Sumalubong agad ang alipin at sinabi, “Maaari bang makiinom?” “Aba, opo,” sagot ng babae. At inalalayan niya ang banga habang umiinom ang alipin. Nang ito'y makainom na ay sinabi pa ng dalaga, “Paiinumin ko na rin po ang inyong mga kamelyo hanggang gusto nila.” Isinalin niya sa painuman ang laman ng banga at pabalik-balik siyang sumalok hanggang sa mapainom ang lahat ng kamelyo. Tahimik na pinagmasdan ng alipin ang dalaga at iniisip kung iyon na kaya ang sagot ni Yahweh sa kanyang panalangin. Matapos makainom ang mga kamelyo, inilabas ng alipin ang dala niyang mamahaling singsing at dalawang pulseras na pawang lantay na ginto, at ibinigay sa dalaga. Pagkatapos, ito'y tinanong niya, “Sino ba ang iyong mga magulang? Maaari ba kaming makituloy sa inyo ngayong gabi?” Sumagot ang babae, “Ako po'y anak ni Bethuel na anak nina Nahor at Milca. Maluwag po sa amin at maraming pagkain para sa inyong mga hayop.” Pagkarinig niyon, lumuhod ang alipin at sumamba kay Yahweh, “Purihin si Yahweh, ang Diyos ng panginoon kong si Abraham! Hindi siya sumira sa kanyang pangako. Pinatnubayan niya ako sa pagpunta sa bahay ng mga kamag-anak ng aking panginoon.” Nagmamadaling umuwi ang dalaga at isinalaysay ang buong pangyayari sa tahanan ng kanyang ina. Si Rebeca ay may kapatid na lalaki na ang pangalan ay Laban. Patakbo siyang pumunta sa balong kinaroroonan ng lalaki nang marinig niya ang salaysay ng kanyang kapatid, at makita ang singsing at ang mga pulseras na suot nito. Nakita nga niya ang tao sa tabi ng balon, pati ang kanyang mga kamelyo. Sinabi ni Laban, “Bakit nandiyan po kayo sa labas? Tayo na po sa amin, lalaking pinagpala ni Yahweh! Nakahanda na po ang pagpapahingahan ninyo at ang sisilungan ng inyong mga kamelyo.” Sumama nga ang alipin. Pagdating sa bahay, ibinabâ ni Laban ang karga ng mga kamelyo at pinakain ang mga hayop. Ang alipin nama'y binigyan niya ng tubig upang maghugas ng paa pati ang mga kasama nito. Binigyan siya ng pagkain, ngunit sinabi ng alipin, “Sasabihin ko muna ang aking pakay bago ako kumain.” “Sige, sabihin ninyo,” sabi ni Laban. Ganito ang salaysay niya: “Ako po'y alipin ni Abraham. Pinagpala ni Yahweh ang aking panginoon. Pinarami ang kanyang mga kawan ng tupa, kambing at baka. Pinagkalooban rin siya ng maraming pilak at ginto, mga aliping babae at lalaki, mga kamelyo at asno. Ang asawa niyang si Sara ay nagkaanak pa kahit siya'y matanda na. Ang anak na ito ang tanging tagapagmana ng kanilang kayamanan. Ako po'y pinanumpa ng panginoon kong si Abraham na hindi ako kukuha sa Canaan ng mapapangasawa ng anak niyang ito. Dito po niya ako pinapunta sa mga kamag-anak ng kanyang mga magulang upang ihanap ng mapapangasawa ang kanyang anak. Tinanong ko po siya ng ganito: ‘Kung ang babaing mapili ko ay hindi sumama sa akin, ano po naman ang aking gagawin?’ Ang sagot po niya'y sasamahan ako ng anghel ni Yahweh upang magtagumpay sa aking lakad. Dito raw sa angkan ng kanyang ama ako kumuha ng mapapangasawa ng kanyang anak. Iyan po ang utos sa akin. Ang sabi pa niya sa akin, ‘Kung sundin mo ito, natupad mo na ang iyong tungkulin. Kung tanggihan ka naman ng aking mga kamag-anak, wala ka nang pananagutan sa akin.’ “Pagdating ko po sa may balon kanina, ako'y nanalangin nang ganito: ‘O Yahweh, Diyos ng panginoon kong si Abraham, panagumpayin mo ang aking gagawin! Tatayo po ako sa may tabi ng balong ito at kapag may dumating na dalaga upang umigib, ako'y makikiinom. Kapag ako'y pinainom pati ang aking mga kamelyo, iyon na po sana ang pinili ninyo upang mapangasawa ng anak ng aking panginoon.’ Hindi pa natatapos ang aking panalangin, dumating nga si Rebeca na pasan ang isang banga. Lumusong siya sa bukal at sumalok ng tubig. Nakiusap po ako sa kanyang ako'y painumin. At hindi lamang ako ang pinainom, pati po ang aking mga kamelyo. Tinanong ko po siya, ‘Kanino kang anak?’ Ang sagot po'y, ‘Kay Bethuel na anak ng mag-asawang Nahor at Milca.’ Kaya't kinabitan ko siya ng hikaw sa ilong at sinuotan ng mga pulseras sa braso. Pagkatapos, ako'y lumuhod at sumamba kay Yahweh, sa Diyos ng panginoon kong si Abraham, sapagkat pinatnubayan niya ako at inihatid sa tahanang ito. At dito ko nga natagpuan ang dalagang dapat mapangasawa ng kanyang anak. Kaya hinihiling kong sabihin ninyo sa akin kung sang-ayon kayo sa hangad ng aking panginoon. Kung hindi naman, sabihin din ninyo at nang malaman ko naman kung ano ang aking gagawin.” Sumagot ang mag-amang Bethuel at Laban, “Dahil ang bagay na ito'y mula kay Yahweh, wala na kaming masasabing anuman. Isama mo si Rebeca pag-uwi mo upang mapangasawa ng anak ng iyong panginoon, ayon sa sinabi ni Yahweh.” Pagkarinig nito, ang alipin ni Abraham ay muling nagpatirapa at nagpuri kay Yahweh. At inilabas niya ang mga damit at mga hiyas na ginto't pilak para kay Rebeca. Binigyan din niya ng mamahaling regalo ang kapatid nitong si Laban at ang kanilang ina. Pagkatapos, ang alipin at ang mga kasama nito ay kumain na at uminom, at doon na nga nagpalipas ng gabi. Kinabukasa'y nagpaalam na siya. Ngunit hiniling ng ina at ng kapatid ni Rebeca na magpalipas muna ng isang linggo o sampung araw bago umalis. Ngunit sinabi ng alipin, “Sapagkat pinagtagumpay ako ni Yahweh sa aking lakad, pahintulutan na po ninyo akong magbalik sa aking panginoon.” “Kung gayon,” sabi nila, “tawagin natin si Rebeca at tanungin kung ano ang kanyang pasya.” “Sasama ka na ba sa taong ito?” tanong nila. “Opo,” tugon niya. Kaya si Rebeca at ang kanyang yaya ay pinahintulutan nilang sumama sa alipin ni Abraham at sa mga kasama nito, matapos basbasan nang ganito: “Ikaw nawa, O Rebeca ay maging ina ng marami, at sa lunsod ng kaaway, ang iyong lahi ang magwagi.” Nang handa na ang lahat, si Rebeca at ang mga utusan niyang babae ay sumakay sa kamelyo, at umalis kasunod ng alipin ni Abraham. Nang panahong iyon, si Isaac ay naninirahan sa lupain ng Negeb. Minsan, napadako siya sa ilang ng Beer-lahai-roi. Nang magtatakip-silim, siya'y namasyal sa kaparangan at nakita niyang may dumarating na mga kamelyo. Natanaw ni Rebeca si Isaac kaya't bumabâ siya sa sinasakyang kamelyo, lumapit sa aliping sumundo sa kanya at nagtanong, “Sino ang lalaking iyan na papalapit sa atin?” “Siya po ang aking panginoon,” sagot nito. Kumuha ng belo si Rebeca at tinakpan ang kanyang mukha. Isinalaysay ng alipin kay Isaac ang mga ginawa niya. Pagkatapos, dinala ni Isaac si Rebeca sa tolda ni Sara na kanyang ina at ito'y naging asawa niya. Minahal ni Isaac si Rebeca at siyang naging kaaliwan niya sa pagkamatay ng kanyang ina. Muling nag-asawa si Abraham at ang pangalan ng babae ay Ketura. Ang mga anak niya rito ay sina Zimran, Jocsan, Medan, Midian, Isbak at Suah. Si Jocsan ang ama nina Seba at Dedan. Kay Dedan nagmula ang mga Asurim, Letusim at Leumim. Ang mga anak naman ni Midian ay sina Efa, Efer, Enoc, Abida at Eldaa. Lahat sila'y buhat kay Ketura. Kay Isaac ipinamana ni Abraham ang lahat niyang ari-arian. Ngunit bago siya namatay, pinagbibigyan na niya ng regalo ang mga anak niya sa ibang asawa, at pinapunta sa lupain sa dakong silangan para mapalayo kay Isaac. Si Abraham ay nabuhay nang 175 taon. Matandang-matanda na siya nang mamatay. At inilibing siya nina Isaac at Ismael sa yungib ng Macpela sa silangan ng Mamre, sa parang na dating kay Efron, anak ni Zohar na Heteo. Ang lugar na iyon ang binili ni Abraham sa mga Heteo at doon sila nalibing ni Sara. Pagkamatay ni Abraham, pinagpala ng Diyos si Isaac. Doon siya tumira sa Beer-lahai-roi. Ito naman ang lahi ni Ismael na anak ni Abraham kay Hagar, ang taga-Egiptong alipin ni Sara. Si Nebayot ang panganay, sumunod sina Kedar, Abdeel at Mibsam. Sumunod sina Misma, Duma at Massa; pagkatapos ay sina Hadad, Tema, Jetur, Nafis at Kedema. Sila ang labindalawang anak ni Ismael na naging pinuno ng kani-kanilang lipi. Isinunod sa kanilang mga pangalan ang mga bayan at pinagkampuhan ng kani-kanilang mga lipi. Namatay si Ismael sa gulang na 137 taon, at siya'y inilibing. Ang lahi ni Ismael ay tumira sa lupain sa pagitan ng Havila at Shur, sa daang patungo sa Asiria sa silangan ng Egipto. Nakabukod sila sa ibang mga lipi ni Abraham. Ito naman ang kasaysayan ni Isaac na anak ni Abraham. Apatnapung taon na si Isaac nang mapangasawa niya si Rebeca, anak na dalaga ni Bethuel, isang Arameong taga-Mesopotamia. Si Rebeca'y kapatid ni Laban, isa ring Arameo. Hindi magkaanak si Rebeca, kaya't nanalangin kay Yahweh si Isaac. Dininig naman siya at si Rebeca'y naglihi. Kambal ang kanyang dinadala at nasa tiyan pa'y nagtutulakan na ang dalawa. Kaya't nasabi ng ina, “Kung ngayon pa'y ganito na ang nangyayari sa akin, bakit pa ako mabubuhay?” Kaya't siya'y nagtanong kay Yahweh. Ganito naman ang sagot ni Yahweh: “Dalawang sanggol ang dala mo sa loob ng iyong tiyan, larawan ng dalawang bansa na magiging magkalaban; magiging higit na malakas ang mas bata kaysa sa nauna, kaya maglilingkod ang mas matanda sa bata niyang kapatid.” Dumating ang panahon at nanganak nga siya ng kambal. Mamula-mula ang kutis at mabalahibo ang katawan ng panganay, kaya't Esau ang ipinangalan dito. Nang lumabas ang pangalawa, nakahawak ito sa sakong ng kanyang kakambal, kaya Jacob naman ang itinawag sa kanya. Animnapung taon si Isaac noon. Lumaki ang mga bata. Naging mahusay na mangangaso si Esau at sa kaparangan na halos tumitira. Si Jacob naman ay tahimik at lagi sa bahay. Higit ang pagtingin ni Isaac kay Esau, palibhasa'y kinawiwilihan niyang kainin ang mga nahuhuli nito sa pangangaso, samantalang si Jacob naman ang mas mahal ni Rebeca. Minsan, si Jacob ay nagluluto ng sinabawang pulang patani; siya namang pagdating ni Esau mula sa pangangaso. Sinabi niya, “Gutom na gutom na ako, bigyan mo naman ako niyang mapulang niluluto mo.” At dahil dito'y tinawag siyang Edom. Sumagot si Jacob, “Ibigay mo muna sa akin ang iyong karapatan bilang panganay.” “Payag na ako,” sabi ni Esau, “aanhin ko pa ang pagiging panganay kung mamamatay naman ako sa gutom?” “Kung gayon,” sabi ni Jacob, “sumumpa ka muna.” Sumumpa nga si Esau, at ibinigay kay Jacob ang karapatan ng pagiging panganay. Ibinigay naman ni Jacob kay Esau ang niluto niyang gulay at binigyan pa ito ng tinapay. Matapos kumai't uminom, umalis na agad si Esau. Iyon lamang ang halaga sa kanya ng kanyang karapatan bilang panganay. Tulad ng nangyari nang panahon ni Abraham, nagkaroon muli ng taggutom sa lupain ng Canaan, kaya't nakarating si Isaac sa Gerar, sakop ni Abimelec na hari ng mga Filisteo. Nagpakita si Yahweh kay Isaac at nagsabi, “Huwag kang pupunta sa Egipto; manirahan ka sa lupaing ituturo ko sa iyo. Dito ka muna; sasamahan kita at pagpapalain. Ibibigay ko sa iyo at sa iyong lahi ang buong lupaing ito, tulad ng aking ipinangako sa iyong amang si Abraham. Pararamihin kong gaya ng mga bituin sa kalangitan ang iyong lahi, at lahat ng lupaing ito'y ibibigay ko sa kanila. At hihilingin sa akin ng lahat ng bansa sa daigdig na sila'y pagpalain ko tulad ng ginagawa ko sa iyong lahi. Pagpapalain kita dahil kay Abraham, sapagkat sinunod niya ako at tinupad ang aking mga utos.” Doon nga tumira si Isaac sa Gerar. Kung tinatanong siya ng mga tagaroon tungkol kay Rebeca, sinasabi niyang ito'y kanyang kapatid. Inililihim niyang mag-asawa sila sa takot na siya'y patayin para makuha si Rebeca, sapagkat ito'y maganda. Hindi pa sila nagtatagal sa lugar na iyon, nadungawan minsan ni Abimelec sina Isaac at Rebeca na naglalambingan. Ipinatawag agad ni Abimelec si Isaac at ang sabi'y, “Tiyak na asawa mo ang babaing iyon, hindi ba? Bakit ang sabi mo'y kapatid mo?” “Natatakot po ako na baka ako'y patayin kung sabihin kong asawa ko siya,” tugon ni Isaac. “Bakit mo ito ginawa sa amin?” wika ni Abimelec. “Kung siya'y ginalaw ng isa sa mga tauhan ko, isinubo mo pa kami sa kapahamakan!” At sinabi ni Abimelec sa kanyang nasasakupan, “Papatayin ang sinumang umapi sa mag-asawang ito.” Nang taóng iyon, si Isaac ay nagsaka sa lupain ng Gerar at makasandaang ibayo ang kanyang inani kaysa kanyang itinanim. Pinagpala siya ni Yahweh. Patuloy na lumago ang kanyang kabuhayan, at siya'y naging napakayaman. Nainggit sa kanya ang mga Filisteo sapagkat marami siyang alipin at mga kawan ng tupa at baka. Kaya't tinabunan nila ang mga balong ginawa ng mga alipin ni Abraham noong ito'y nabubuhay pa. Sinabi ni Abimelec, “Umalis ka na, Isaac; mas makapangyarihan ka pa ngayon kaysa amin.” Kaya, umalis si Isaac at nanirahan muna sa libis ng Gerar. Ipinahukay niyang muli ang mga balon ni Abraham na tinabunan ng mga Filisteo. At ang mga balong iyon ay tinawag ni Isaac sa dating tawag dito ng kanyang ama. Ang mga tauhan ni Isaac ay nakahukay ng isang malakas na bukal sa libis, ngunit nakipag-away ang mga pastol na taga-Gerar at inangkin ang bukal ng tubig na iyon. Kaya't ang balong iyon ay tinawag ni Isaac na “Balon ng Away” sapagkat sila'y inaway ng mga tagaroon. Nang makahukay muli sila, nakipagtalo na naman sa kanila ang mga taga-Gerar, kaya't tinawag naman itong “Balon ng Pagtatalo.” Lumayo sila roon at humukay ng ibang balon. Wala nang umangkin nito, kaya't tinawag niyang “Balon ng Kalayaan.” Ang sabi niya, “Uunlad tayo sa lupaing ito, sapagkat binigyan tayo ni Yahweh ng kalayaang mamuhay sa lupaing ito.” Umalis si Isaac at nagpunta sa Beer-seba. Nang gabing iyon, nagpakita sa kanya si Yahweh, at ang sabi, “Ako ang Diyos ng iyong amang si Abraham, huwag kang matakot, sapagkat sasamahan kita; pagpapalain kita, at pararamihin ko ang iyong lahi alang-alang kay Abraham na tapat kong alipin.” Nagtayo si Isaac ng altar doon at sinamba si Yahweh. Tumigil sila sa lugar na iyon at humukay muli ng balon ang kanyang mga alipin. Dumating si Abimelec buhat sa Gerar kasama si Ahuzat na kanyang tagapayo at si Picol na pinuno ng kanyang hukbo. Tinanong siya ni Isaac, “Bakit mo ako dinalaw? Hindi ba't galit ka sa akin at ako'y pinaalis mo sa iyong bayan?” Ito ang sagot nila: “Naniniwala na kami ngayon na kasama mo ang Diyos; nais naming makipagkasundo sa iyo. Ipangako mo sanang hindi mo kami pipinsalain, sapagkat hindi ka rin naman namin pininsala. Pinakitaan ka namin ng mabuti at hindi ka ginambala sa iyong pag-alis. Ikaw ngayon ang pinagpapala ni Yahweh.” Naghanda si Isaac ng malaking salu-salo at sila'y nagkainan at nag-inuman. Kinaumagahan, sila'y nagsumpaang magiging magkaibigan, at saka mapayapang naghiwalay. Nang araw ring iyon, ibinalita ng mga alipin ni Isaac na sila'y nakahukay na ng tubig. Tinawag niyang “Balon ng Panata” ang balong iyon. Kaya, hanggang ngayon ay Beer-seba ang tawag sa lunsod na itinayo roon. Apatnapung taon si Esau nang siya'y mag-asawa; si Judit na anak ng Heteong si Beeri ang napangasawa niya. Naging asawa rin niya si Basemat, anak naman ni Elon, isa ring Heteo. Ang dalawang ito ang naging dahilan ng malaking sama ng loob nina Isaac at Rebeca. Si Isaac ay matanda na at halos hindi na makakita, kaya ipinatawag niya si Esau, ang anak niyang panganay. Sinabi niya rito, “Anak, matanda na ako at malapit nang mamatay. Pumunta ka sa parang at mangaso. Ihuli mo ako ng hayop at lutuin ang putahing gusto ko. Pagkakain ko'y igagawad ko sa iyo ang aking basbas bago ako mamatay.” Nakikinig pala si Rebeca samantalang kinakausap ni Isaac si Esau. Kaya't nang umalis ito upang sundin ang bilin ng ama, tinawag ni Rebeca si Jacob at sinabi, “Narinig ko ang sinabi ng iyong ama kay Esau: ‘Ihuli mo ako ng hayop at lutuin mo para sa akin. Pagkakain ko, babasbasan kita sa harapan ni Yahweh bago ako mamatay.’ Kaya't ganito ang gawin mo, anak: Kumuha ka agad ng dalawang kambing na mataba at iluluto ko para sa iyong ama. Ipaghahanda ko siya ng pagkaing gustung-gusto niya, at ipakain mo sa kanya upang ikaw ang mabigyan ng basbas bago siya mamatay!” Ngunit sumagot si Jacob sa kanyang ina, “Balbon po si Esau, samantalang ako'y hindi. Malalaman ng aking ama na nililinlang ko siya kapag ako'y kanyang nahipo; susumpain niya ako sa halip na basbasan.” Sumagot ang ina, “Hayaan mong sa akin tumalab ang anumang sumpa niya. Basta't sumunod ka, anak; ako na ang bahala. Kumuha ka na ng kambing.” Kumuha nga si Jacob ng kambing, at iniluto ng kanyang ina ang putahing gustung-gusto ng kanyang ama. Binihisan ni Rebeca si Jacob ng pinakamagarang damit ni Esau na nakatabi sa bahay. Ang mga braso at leeg ni Jacob na walang balahibo'y binalutan niya ng balat ng kambing. Pagkatapos, ipinadala sa anak ang putahe na may kasama pang tinapay na niluto rin niya. Lumapit si Jacob kay Isaac. “Ama!” sabi niya. “Sino ka ba?” tanong nito. “Ako po si Esau,” sagot ni Jacob. “Nagawa ko na po ang inyong iniuutos sa akin. Narito na po ang gusto ninyong pagkain; bumangon na kayo at kainin na ninyo ito nang ako'y mabasbasan na ninyo pagkatapos.” “Napakadali mo naman yatang nakahuli?” tanong ni Isaac. “Tinulungan po ako ni Yahweh na inyong Diyos,” sagot ni Jacob. Nagtanong muli si Isaac, “Ikaw ba talaga si Esau? Lumapit ka nga rito nang matiyak ko kung ikaw nga.” Lumapit naman si Jacob at siya'y hinawakan ng ama. “Kay Jacob ang tinig ngunit ang bisig ay parang kay Esau!” wika ni Isaac. Hindi niya nakilala si Jacob, sapagkat ang mga bisig nito'y mabalahibo ring tulad ng kay Esau. Babasbasan na sana ni Isaac si Jacob, ngunit muli pang nagtanong, “Ikaw nga ba si Esau?” “Ako nga po,” tugon ni Jacob. Kaya't sinabi ni Isaac, “Kung gayon, akin na ang pagkain at pagkakain ko'y babasbasan kita.” Iniabot ni Jacob ang pagkain at binigyan din niya ng alak. “Halika anak, at hagkan mo ako,” sabi ng ama. Nang lumapit si Jacob upang hagkan ang ama, naamoy nito ang kanyang kasuotan, kaya't siya'y binasbasan: “Ang masamyong halimuyak ng anak ko, ang katulad ay samyo ng kabukirang si Yahweh ang nagbasbas; Bigyan ka nawa ng Diyos, ng hamog buhat sa itaas, upang tumaba ang lupa mo't ikaw nama'y makaranas ng saganang pag-aani at katas ng ubas. Hayaan ang mga bansa'y gumalang at paalipin; bilang pinuno, ikaw ay kilalanin. Igagalang ka ng mga kapatid mo, mga anak ng iyong ina ay yuyuko sa iyo. Sila nawang sumusumpa sa iyo ay sumpain din, ngunit ang nagpapala sa iyo ay pagpalain.” Matapos igawad ni Isaac ang kanyang basbas, umalis si Jacob. Siya namang pagdating ni Esau na may dalang usa. Niluto niya ito nang masarap at dinala sa ama. Sinabi niya, “Maupo kayo, ama, at kainin ninyo ang dala kong pagkain upang ako'y inyong mabasbasan.” “Sino ka ba?” tanong ni Isaac. “Si Esau po, ang inyong panganay,” tugon naman niya. Nanginig ang buong katawan ni Isaac. Sabi niya, “Kung gayo'y sino ang naunang nagdala sa akin ng pagkain? Katatapos ko lang kumain nang ika'y dumating. Binasbasan ko na siya at tataglayin niya iyon magpakailanman.” Humagulgol ng iyak si Esau nang marinig ito at nagmamakaawa, “Basbasan din po ninyo ako, ama!” Ngunit sinabi ni Isaac, “Nilinlang ako ng iyong kapatid kaya nakuha niya ang basbas ko para sa iyo.” Nagsalita si Esau, “Dalawang beses na niya akong dinaya, kaya pala Jacob ang kanyang pangalan! Kinuha na niya ang aking karapatan bilang panganay, at ngayo'y inagaw niya pati ang basbas na ukol sa akin! Wala na ba kayong nalalabing basbas para sa akin?” “Wala na akong magagawa, anak,” sagot ni Isaac. “Siya'y panginoon mo na ngayon; ginawa ko nang alipin niya ang kanyang mga kamag-anak. Ibinigay ko na sa kanya ang kasaganaan sa pagkain at inumin, kaya wala nang nalalabi para sa iyo.” Ngunit patuloy na nagmamakaawa sa kanyang ama si Esau, “Talaga bang iisa lang ang inyong basbas, ama? Basbasan na rin ninyo ako.” At patuloy siyang nanangis. Sinabi ni Isaac sa kanya, “Ang magiging tahanan mo'y malayo sa kasaganaan, pati hamog mula sa langit, ika'y pagkakaitan. Tabak mo ang iyong ikabubuhay, kapatid mo'y iyong paglilingkuran; upang kalayaa'y iyong makamit, kailangang ikaw ay maghimagsik.” Namuhi si Esau kay Jacob sapagkat ito ang binasbasan ng kanyang ama. Kaya't ganito ang nabuo sa kanyang isipan: “Pagkamatay ng aking ama, at ito'y hindi na magtatagal, papatayin ko si Jacob!” May nakapagsabi kay Rebeca tungkol sa balak ni Esau, kaya't ipinagbigay-alam niya agad ito kay Jacob. Sinabi niya, “Anak, binabalak ng iyong kapatid na patayin ka upang makapaghiganti siya. Makinig ka sa akin, anak. Umalis ka kaagad! Pumunta ka sa Haran at doon ka muna tumira sa aking kapatid na si Laban. Doon ka muna hanggang hindi humuhupa ang galit ng iyong kapatid; malilimutan din niya ang ginawa mo sa kanya. Hayaan mo't pababalitaan kita kung maaari ka nang bumalik. Masakit man sa loob ko ang malayo ka sa akin, lalong hindi ko matitiis ang kayo'y parehong mawala sa akin.” Sinabi ni Rebeca kay Isaac, “Hirap na hirap na ang loob ko sa mga dayuhang asawa ni Esau. Kapag Hetea ring tulad nila ang napangasawa ni Jacob, mabuti pang mamatay na ako.” Kaya tinawag ni Isaac si Jacob at matapos basbasan ay pinagbilinan, “Huwag kang mag-aasawa ng Cananea. Pumunta ka sa Mesopotamia, sa bayan ng iyong Lolo Bethuel. Doon ka pumili ng mapapangasawa sa mga pinsan mo, sa mga anak ng iyong Tiyo Laban. Sa iyong pag-aasawa, pagpalain ka ng Makapangyarihang Diyos, at nawa'y magkaroon ka ng maraming anak upang ikaw ay maging ama ng maraming bansa. Pagpalain ka nawa niya, gayundin ang iyong lahi, tulad ng ginawa niya kay Abraham. Mapasaiyo nawa ang lupaing ito na iyong tinitirhan, ang lupang ipinangako ng Diyos kay Abraham.” Pinapunta nga ni Isaac si Jacob sa Mesopotamia, sa kanyang Tiyo Laban na anak ni Bethuel na taga-Aram. Si Laban ay kapatid ni Rebeca na ina nina Jacob at Esau. Nalaman ni Esau na pinapunta ni Isaac si Jacob sa Mesopotamia upang doon mag-asawa. Nalaman din niya na pagkatapos basbasan si Jacob ay pinagbawalan itong mag-asawa ng babaing taga-Canaan. Nalaman din niyang sinunod ni Jacob ang kanyang ama't ina at nagpunta nga sa Mesopotamia. Nang mabatid ni Esau na ayaw ng kanyang ama sa babaing Cananea, nagpunta siya sa kanyang Tiyo Ismael na anak din ng kanyang Lolo Abraham. Nag-asawa siya ng isa pa, ang pinsan niyang si Mahalat na kapatid ni Nebayot at anak ni Ismael. Umalis nga si Jacob sa Beer-seba at nagpunta sa Haran. Inabot siya nang paglubog ng araw sa isang lugar at minabuti niyang doon na magpalipas ng gabi. Isang bato ang inunan niya sa kanyang pagtulog. Nang gabing iyon, siya'y nanaginip. May nakita siyang hagdan na abot sa langit at nagmamanhik-manaog doon ang mga anghel ng Diyos. Walang anu-ano'y nakita niya si Yahweh sa tabi niya. Wika sa kanya, “Ako si Yahweh, ang Diyos ni Abraham at ni Isaac. Ang lupang ito na iyong hinihigan ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong lahi. Darami sila na parang alikabok sa lupa at lalaganap sila sa apat na sulok ng daigdig. Sa pamamagitan mo at ng iyong lahi ay pagpapalain ang lahat ng bansa. Tandaan mo, susubaybayan kita at ipagtatanggol saan ka man magpunta, at ibabalik kita sa lupaing ito. Hindi kita iiwan hanggang sa matupad ang lahat ng sinabi ko sa iyo.” Nagising si Jacob at ang sabi, “Hindi ko alam na narito pala si Yahweh! Nakakapangilabot ang lugar na ito! Tiyak na ito ang tahanan ng Diyos at ang pintuan ng kalangitan.” Maagang gumising si Jacob nang umagang iyon. Kinuha niya ang inunang bato at itinayo bilang isang alaala. Binuhusan niya ito ng langis at itinalaga sa Diyos. Tinawag niyang Bethel ang lugar na iyon na dati'y tinatawag na Luz. Nangako si Jacob nang ganito: “O Yahweh, kung ako'y sasamahan ninyo at iingatan sa paglalakbay na ito, pakakainin at dadamitan, at makakabalik na muli sa bahay ng aking ama, kayo po ang aking magiging Diyos. Sasambahin kayo sa lugar na ito na pinagtayuan ko ng batong alaalang ito, at ibabalik ko sa inyo ang ikasampung bahagi ng lahat ng ipinagkakaloob ninyo sa akin.” Nagpatuloy si Jacob sa kanyang paglalakbay hanggang sa dumating siya sa lupain ng mga taga-Silangan. May nakita siyang isang balon ng tubig sa kaparangan. Sa paligid nito'y may tatlong kawan ng mga tupang nagpapahinga, sapagkat doon pinapainom ang mga ito. Ang balon ay may takip na malaking bato, at binubuksan lamang ito kapag papainumin na ang mga tinipong kawan. Matapos painumin ang mga ito, muli nilang tinatakpan ang balon. Tinanong ni Jacob ang mga pastol na naroon, “Tagasaan kayo, mga kaibigan?” “Taga-Haran,” tugon nila. “Kilala ba ninyo si Laban na apo ni Nahor?” tanong niyang muli. “Oo,” sagot naman nila. “Kumusta na siya?” tanong pa niya. “Mabuti,” sabi naman nila. “Hayun at dumarating si Raquel, ang anak niyang dalaga! Kasama niya ang kawan ng kanyang ama.” “Maaga pa naman,” sabi ni Jacob, “bakit hindi ninyo painumin ang mga tupa at dalhin muna sa pastulan bago ikulong?” “Aba, hindi maaari!” sagot ng mga pastol. “Ang lahat ng pastol ay kailangang narito bago buksan ang balon; saka pa lamang kami maaaring magpainom.” Nakikipag-usap pa si Jacob nang dumating si Raquel na kasama ang kawan ng kanyang ama. Nang makita ni Jacob si Raquel na kasama ang kawan ni Laban, binuksan ni Jacob ang balon at pinainom ang mga tupa. Pagkatapos, nilapitan niya ang dalaga at hinagkan; napaiyak siya sa tuwa. Sinabi niya, “Ako'y pamangkin ng iyong ama, anak ng iyong Tiya Rebeca!” Patakbong umuwi si Raquel at ibinalita ito sa ama. Sinalubong naman agad ni Laban ang kanyang pamangkin. Niyakap niya ito at hinagkan, saka isinama sa kanila. Nang maisalaysay ni Jacob ang lahat, sinabi sa kanya ni Laban, “Tunay na ikaw ay laman ng aking laman at dugo ng aking dugo!” At doon na siya tumira sa loob ng isang buwan. Pagkalipas ng isang buwan, sinabi ni Laban kay Jacob, “Hindi dahil magkamag-anak tayo ay pagtatrabahuhin kita nang walang bayad; magkano bang dapat kong isweldo sa iyo?” Si Laban ay may dalawang anak na dalaga. Si Lea ang nakatatanda at si Raquel naman ang nakababata. Mapupungay ang mga mata ni Lea, ngunit mas maganda at kaakit-akit si Raquel. Nabighani si Jacob kay Raquel, kaya't ang sabi niya kay Laban, “Paglilingkuran ko kayo nang pitong taon para kay Raquel.” Sinabi ni Laban, “Mas gusto ko ngang ikaw ang mapangasawa niya kaysa iba. Sige, dumito ka na.” Pitong taóng naglingkod si Jacob upang mapasakanya si Raquel, ngunit iyon ay parang katumbas lamang ng ilang araw dahil sa laki ng kanyang pag-ibig dito. Sinabi ni Jacob kay Laban, “Dumating na po ang panahong dapat kaming makasal ng inyong anak.” Naghanda nang malaki si Laban at inanyayahan ang lahat ng tagaroon. Ngunit nang gabing iyon, hindi alam ni Jacob na ang pinasiping sa kanya ay si Lea, sa halip na si Raquel. Ibinigay naman ni Laban kay Lea ang alipin nitong si Zilpa. Kinaumagahan, nakita ni Jacob na si Lea pala ang kanyang kasiping. Kaya sinabi niya kay Laban, “Bakit ninyo ito ginawa sa akin? Bakit ninyo ako nilinlang? Naglingkod ako sa inyo para kay Raquel, hindi po ba?” Sumagot si Laban, “Hindi kaugalian dito sa amin na mauna pang mag-asawa ang nakababatang kapatid. Patapusin mo muna ang sanlinggong pagdiriwang na ito at pagkatapos ay ibibigay ko sa iyo si Raquel kung maglilingkod ka sa akin ng pitong taon pa.” Sumang-ayon naman si Jacob at nang matapos ang pagdiriwang, ibinigay nga sa kanya ni Laban si Raquel bilang asawa. Ibinigay rin ni Laban kay Raquel ang alipin nitong si Bilha. Sa wakas, naangkin ni Jacob si Raquel; mas mahal niya ito kaysa kay Lea. Kaya't naglingkod pa si Jacob kay Laban nang pitong taon pa. Alam ni Yahweh na si Lea ay di gaanong mahal ni Jacob, kaya't niloob niyang magkaanak na ito, samantalang si Raquel ay baog. Lalaki ang unang anak ni Lea. Ang sabi niya, “Nakita ni Yahweh ang aking suliranin. Ngayon, tiyak na mamahalin ako ng aking asawa.” Kaya't Ruben ang ipinangalan niya rito. Nagdalang-tao siyang muli at lalaki na naman ang kanyang naging anak. Kanyang sinabi, “Kaloob din ito sa akin ni Yahweh, dahil narinig niyang ako'y hindi mahal ng aking asawa.” Kaya't tinawag naman niya itong Simeon. Muling nagdalang-tao si Lea at lalaki uli ang naging anak. Sinabi niya, “Lalo akong mapapalapit sa aking asawa, sapagkat tatlong lalaki na ang aming anak.” At tinawag niya itong Levi. Nagdalang-tao siyang muli at lalaki pa rin ang kanyang anak. Sinabi niya, “Ngayo'y pupurihin ko si Yahweh.” Kaya't tinawag niya itong Juda. Pagkatapos noo'y hindi na siya nagkaanak. Nainggit si Raquel sa kanyang kapatid sapagkat hindi siya magkaanak. Sinabi niya kay Jacob, “Mamamatay ako kapag hindi pa tayo nagkaanak.” Nagalit si Jacob at sinabi kay Raquel, “Bakit, Diyos ba ako na pumipigil sa iyong panganganak?” Kaya't sinabi ni Raquel, “Kung gayon, sipingan mo ang alipin kong si Bilha upang magkaanak ako sa pamamagitan niya.” At pinasiping niya kay Jacob ang kanyang aliping si Bilha. Nagdalang-tao ito at nanganak ng lalaki. “Panig sa akin ang hatol ng Diyos,” sabi ni Raquel. “Dininig niya ang aking dalangin at pinagkalooban ako ng anak na lalaki.” Kaya Dan ang ipinangalan niya rito. Muling nagdalang-tao si Bilha at nanganak ng isa pang lalaki. Sinabi ni Raquel, “Naging mahigpit ang labanan naming magkapatid, ngunit ako ang nagtagumpay.” Kaya, tinawag niyang Neftali ang bata. Nang mapag-isip-isip ni Lea na hindi na siya nanganganak, ibinigay naman niya kay Jacob si Zilpa, at nagkaanak ito ng lalaki. “Mapalad ako,” sabi ni Lea, “kaya, Gad ang ipapangalan ko sa kanya.” Si Zilpa'y muling nagdalang-tao at nagkaanak ng isa pang lalaki. Sinabi ni Lea, “Masayang-masaya ako! Masaya ang itatawag sa akin ng mga babae.” Kaya't tinawag niyang Asher ang bata. Anihan na noon ng trigo. Samantalang naglalakad sa kaparangan, si Ruben ay nakakita ng bunga ng mondragora at dinala niya ito kay Lea na kanyang ina. “Bigyan mo naman ako ng mondragorang dala ng iyong anak,” pakiusap ni Raquel kay Lea. Sinagot siya ni Lea, “Hindi ka pa ba nasisiyahang nakuha mo ang aking asawa, at ngayo'y gusto mo pang kunin pati mondragora ng aking anak?” Sinabi ni Raquel, “Bigyan mo ako ng mondragora, sa iyo na si Jacob ngayong gabi.” Gabi na nang dumating noon si Jacob galing sa kaparangan. Sinalubong agad siya ni Lea at sinabi, “Sa akin ka sisiping ngayong gabi; si Raquel ay binigyan ko ng mondragorang dala ng aking anak para sa karapatang ito.” Nagsiping nga sila nang gabing iyon, at dininig ng Diyos ang dalangin ni Lea. Nagdalang-tao siya at ito ang panlimang anak nila ni Jacob. Kaya't sinabi ni Lea, “Ginantimpalaan ako ng Diyos sapagkat ipinagkaloob ko sa aking asawa ang aking alipin;” at pinangalanan niyang Isacar ang kanyang anak. Muling nagdalang-tao si Lea, at ito ang pang-anim niyang anak. Kaya't ang sabi niya, “Napakainam itong kaloob sa akin ng Diyos! Ngayo'y pahahalagahan na ako ng aking asawa, sapagkat anim na ang aming anak.” Ang anak niyang ito'y tinawag naman niyang Zebulun. Di nagtagal, nagkaanak naman siya ng babae, at ito'y tinawag niyang Dina. Sa wakas, nahabag din ang Diyos kay Raquel at dininig ang kanyang dalangin. Nagdalang-tao siya at nagkaanak ng isang lalaki. Kaya't sinabi niya, “Tinubos din ako ng Diyos sa aking kahihiyan at niloob na ako'y magkaanak.” At tinawag niyang Jose ang kanyang anak sapagkat sinabi niyang “Sana'y bigyan ako ni Yahweh ng isa pa.” Nang maipanganak si Jose, sinabi ni Jacob kay Laban, “Pahintulutan na po ninyo akong makauwi. Isasama ko na po ang aking mga asawa at mga anak. Marahil po nama'y sapat na ang aking ipinaglingkod sa inyo dahil sa kanila.” Sinabi ni Laban, “Kung mamarapatin mo'y ito ang sasabihin ko: Batay sa karanasan ko sa panghuhula, tunay na pinagpala ako ni Yahweh dahil sa iyo. Sabihin mo kung magkano ang dapat kong ibayad sa iyo at babayaran kita.” Sumagot si Jacob, “Alam naman ninyo kung paano ako naglingkod sa inyo at kung paano dumami ang inyong kawan sa aking pangangasiwa. Ang kaunti ninyong kabuhayan bago ako dumating ay maunlad na ngayon, sapagkat pinagpala kayo ni Yahweh dahil sa akin. Kaya, dapat namang iukol ko na ngayon ang aking panahon sa aking sambahayan.” “Ano ang gusto mong ibayad ko sa iyo?” tanong ni Laban. Sumagot si Jacob, “Hindi ko po kailangang ako'y bayaran pa ninyo. Patuloy kong aalagaan ang inyong kawan, kung sasang-ayon kayo sa isang kondisyon. Pupunta ako sa inyong kawan ngayon din at ibubukod ko ang mga tupang itim, gayon din ang mga batang kambing na may tagping puti. Iyon na po ang para sa akin. Sa darating na panahon, madali ninyong malalaman kung ako'y tapat sa inyo o hindi. Tuwing titingnan ninyo ang mga hayop na naging kabayaran ninyo sa akin, at mayroon kayong makitang hindi itim na tupa o kaya'y kambing na walang tagpi, masasabi ninyong ninakaw ko iyon sa inyo.” “Mabuti! Iyan ang ating gagawin,” tugon ni Laban. Ngunit nang araw ring iyon, ibinukod ni Laban ang lahat ng kambing na may tagpi maging barako o inahin, gayundin ang mga tupang itim at ito'y pinaalagaan niya sa kanyang mga anak na lalaki. Iniwan niya kay Jacob ang natira sa kawan at silang mag-aama'y lumayo nang may tatlong araw na paglalakbay, dala ang alaga nilang kawan. Pumutol naman si Jacob ng mga sariwang sanga ng alamo, almendra at platano, at binalatan niya ang ibang parte upang magmukhang may batik. Inilagay niya ito sa painuman upang makita ng mga hayop tuwing iinom. Sa ganoong pagkakataon nag-aasawahan ang mga hayop. Napaglihian ang mga batik-batik na sanga, kaya naging batik-batik ang kanilang bisiro. Ibinukod niya ang mga hayop na tagpian at itim sa kawan ni Laban upang ang mga ito ang laging natatanaw ng mga tupang puti. Sa gayon, parami nang parami ang sarili niyang kawan at ito'y hindi niya inihahalo sa kawan ni Laban. Ang batik-batik na sanga ng kahoy ay inilalagay lamang ni Jacob sa painuman kung malulusog na hayop ang nag-aasawahan. Ngunit hindi niya ito ginagawa kung ang mga hayop na nag-aasawahan ay hindi malulusog. Kaya't malulusog ang kanyang mga hayop samantalang ang kay Laban ay hindi. Kaya't lalong yumaman si Jacob; lumaki ang kanyang kawan at dumami ang kanyang alipin, at mga kamelyo at asno. Nabalitaan ni Jacob na laging sinasabi ng kanyang mga bayaw na kinamkam na niyang lahat ang ari-arian ng kanilang ama at galing dito ang lahat niyang kayamanan. Napuna rin niyang nagbago na ang pakikitungo sa kanya ni Laban. Kaya sinabi sa kanya ni Yahweh, “Magbalik ka na sa lupain ng iyong mga magulang at mga kamag-anak at sasamahan kita.” Pinasabihan ni Jacob si Raquel at si Lea na tagpuin siya sa parang na kinaroroonan ng kanyang mga kawan. Sinabi niya sa kanila, “Napansin kong iba na ang pagtingin sa akin ng inyong ama, hindi na tulad ng dati. Subalit hindi ako pinabayaan ng Diyos ng aking mga magulang. Alam ninyong ginugol ko ang aking buong lakas sa paglilingkod sa inyong ama. Sa kabila noon, dinadaya pa rin niya ako. Sampung beses na niyang binabago ang kabayaran sa akin ngunit hindi ipinahintulot ng Diyos na ako'y maapi. Kapag sinabi ni Laban na ang ibabayad sa akin ay ang batik-batik, ang buong kawan ay nanganganak nang ganoon. Ang Diyos ang may kaloob na mapasaakin ang kawan ng inyong ama. “Sa panahon ng pag-aasawahan ng mga hayop, ako'y nanaginip. Nakita ko na pawang batik-batik ang lahat ng barakong kambing. Sa aking panaginip, tinawag ako ng anghel ng Diyos at ako nama'y sumagot. Ang sabi sa akin, ‘Jacob, masdan mo ang lahat ng mga barakong kambing, silang lahat ay may batik. Ginawa ko ito sapagkat alam kong dinadaya ka ni Laban. Ako ang Diyos na nagpakita sa iyo sa Bethel na kung saan ay binuhusan mo ng langis ang isang bato bilang alaala. Doon ay gumawa ka rin ng isang panata sa akin. Maghanda ka na at umalis ka sa lupaing ito; umuwi ka na sa iyong lupang sinilangan.’” Sinabi naman nina Raquel at Lea, “Wala na kaming mamanahin sa aming ama. Dayuhan na ang turing niya sa amin. Ipinagbili niya kami, at nilustay ang lahat ng pinagbilhan sa amin. Kaya, ang lahat ng kayamanang inalis ng Diyos sa aming ama ay sa amin at sa aming mga anak. Gawin mo ang sinasabi sa iyo ng Diyos.” Isinakay niya sa kamelyo ang kanyang mga asawa't mga anak. Dinala niya ang kanyang mga kawan at lahat ng kayamanang naipon niya sa Mesopotamia at bumalik sa Canaan, sa lupain ng kanyang amang si Isaac. Wala noon si Laban sapagkat naggugupit ito ng balahibo ng mga tupa. Sinamantala iyon ni Raquel upang kunin ang mga diyus-diyosan sa tolda ng kanyang ama. Nilinlang ni Jacob si Laban na Arameo; hindi niya ipinaalam ang kanyang pag-alis. Tinawid niya ang Ilog Eufrates papunta sa bulubundukin ng Gilead, dala ang lahat niyang ari-arian. Makaraan ang tatlong araw, nalaman ni Laban ang pag-alis nina Jacob. Isinama niya ang kanyang mga tauhan at hinabol nila si Jacob. Inabot nila ito sa bulubundukin ng Gilead pagkaraan ng pitong araw. Nang gabing iyon, si Laban ay kinausap ng Diyos sa pamamagitan ng panaginip. Sinabi sa kanyang huwag pagbabantaan ng anuman si Jacob. Nang dumating si Laban, si Jacob ay nakapagtayo na ng kanyang tolda sa kaburulan. Nagtayo rin ng tolda si Laban sa kaburulang iyon ng Gilead. Tinanong ni Laban si Jacob, “Bakit mo ako nilinlang at itinakas mo pa ang aking mga anak na parang mga bihag? Bakit mo inilihim sa akin ang iyong pag-alis? Sana'y inihatid ko kayo na may tugtugan at awitan sa saliw ng tamburin at alpa. Hindi mo man lamang ako binigyan ng pagkakataong mahagkan ang aking mga anak at mga apo bago sila umalis. Napakalaking kahangalan ang ginawa mong ito! Kung sabagay, kaya kitang saktan, ngunit hindi ko iyon gagawin sapagkat kagabi'y sinabi sa akin ng Diyos ng iyong ama na huwag kitang pagbantaan sa anumang paraan. Alam kong ginawa mo ito dahil sabik na sabik ka nang umuwi sa inyo. Subalit bakit mo naman ninakaw ang aking mga diyos?” Sumagot si Jacob, “Natakot po ako na baka hindi ninyo pasamahin sa akin ang inyong mga anak. Ngayon, kung makita ninyo ang inyong mga diyos sa sinuman sa amin, dapat siyang mamatay. Saksi ang naritong mga kamag-anak natin; tingnan ninyo kung mayroon kayong anumang ari-arian dito at kunin ninyo.” Hindi alam ni Jacob na si Raquel ang kumuha ng mga diyus-diyosan ni Laban. Hinalughog ni Laban ang tolda ni Jacob, ang kay Lea, at gayon din ang sa dalawang aliping babae, ngunit hindi niya nakita ang kanyang mga diyos. Pumasok din siya sa tolda ni Raquel, ngunit naitago na nito ang mga diyus-diyosan sa upuang nasa likod ng kamelyo at iyon ay kanyang inuupuan. Hinalughog na mabuti ni Laban ang buong tolda, ngunit wala siyang nakita. Sinabi ni Raquel sa kanyang ama, “Huwag po kayong magagalit sa akin kung sa harapan ninyo'y hindi ako makatayo, sapagkat ako po'y mayroon ngayon.” Patuloy na naghanap si Laban, ngunit hindi rin niya nakita ang kanyang mga diyus-diyosan. Nagalit nang husto si Jacob at tinanong niya si Laban, “Ano bang pagkakasala ang ginawa ko sa inyo? May batas ba akong nilabag at gayon na lamang ang paghahalughog ninyo? Kung may nakuha kayong ari-arian sa sinuman sa amin, ilabas ninyo at hayaan ninyong hatulan tayo ng ating mga kasamahan! Dalawampung taon tayong nagkasama. Patuloy ang pagdami ng inyong mga tupa't kambing, at ni isang tupang barako sa kawan ninyo'y di ko pinangahasang kainin. Kung may tupang sinila ng mababangis na hayop, hindi ko na ipinapakita sa inyo. Pinapalitan ko agad. Pinipilit ninyo akong magbayad ng anumang nawawala, maging iyo'y ninakaw sa gabi o sa araw. Mahabang panahon akong nagtiis ng matinding init ng araw, at lamig ng gabi. Kulang na kulang ako sa tulog. Iyan ang naranasan ko sa loob ng dalawampung taóng kasama ninyo. Labing-apat na taon akong naglingkod sa inyo dahil sa dalawa ninyong anak na babae, at anim na taon pa para sa inyong mga kawan. Sa kabila noon, sampung beses ninyong binago ang ating partihan. Mabuti na lamang at kasama ko ang Diyos ng aking mga magulang, ang Diyos ni Abraham na sinamba ni Isaac. Kung hindi, marahil ay pinalayas ninyo ako nang walang kadala-dala. Alam ng Diyos ang aking hirap at pagod, kaya, kagabi'y pinagsabihan niya kayo.” Sinabi ni Laban kay Jacob, “Ang lahat ng dala mo'y akin: aking mga anak, aking mga apo at aking mga kawan. Ngunit ano pa ang magagawa ko? Ang mabuti'y gumawa tayo ng kasunduan. Magbunton tayo ng bato na siyang magpapaalaala ng ating kasunduan.” Naglagay si Jacob ng isang bato bilang isang alaala. Sinabi niya sa kanyang mga tauhan na maglagay rin doon ng bato. Pagkatapos, kumain sila sa tabi ng bunton ng mga bato. Ito'y tinawag ni Laban na Jegar-sahaduta, at Gal-ed naman ang itinawag doon ni Jacob, sapagkat sinabi ni Laban, “Ang buntong ito ng mga bato ang tagapagpaalala ng kasunduan nating dalawa.” Tinawag ding Mizpa ang lugar na iyon sapagkat sinabi ni Laban, “Bantayan nawa tayo ni Yahweh samantalang tayo'y magkalayo. Kapag inapi mo ang aking mga anak, o nag-asawa ka ng iba, alalahanin mo na wala man ako roon, ang Diyos ang saksi sa ating kasunduan.” Pagkatapos, sinabi pa ni Laban, “Narito sa pagitan natin ang mga batong ibinunton ko, at narito rin ang batong inilagay mo. Ang mga ito ang ating palatandaan. Ito rin ang magiging hanggahan natin upang maiwasan ang paglusob sa isa't isa. Ang Diyos ni Abraham at ang Diyos ni Nahor ang hahatol sa atin.” At sa pangalan ng Diyos na sinamba ng ama niyang si Isaac ay sumumpa si Jacob na tutupad siya sa kasunduang ito. Pagkatapos, nagpatay siya ng isang hayop at ito'y inihandog doon sa bundok. Nagsalu-salo sila at doon na rin nagpalipas ng gabi. Kinaumagahan, umuwi na si Laban matapos hagkan ang kanyang mga anak at mga apo. Nagpatuloy si Jacob sa paglalakbay at sinalubong siya ng mga anghel ng Diyos. Kaya't sinabi niya, “Ito ang hukbo ng Diyos,” kaya tinawag niyang Mahanaim ang lugar na iyon. Nagpadala siya ng mga sugo sa kapatid niyang si Esau sa lupain ng Seir, sa lupain ng Edom. Ganito ang kanyang ipinasabi: “Ako si Jacob na abang lingkod mo. Matagal akong nanirahan sa Tiyo Laban at ngayon lamang ako uuwi. Marami akong mga baka, asno, tupa, kambing at mga alipin. Pinauna ko ang mga sugong ito upang ipakiusap sa iyo na magkasundo na tayo.” Pagbalik ng mga sugo, sinabi nila, “Nakausap po namin si Esau at ngayon po'y nasa daan na siya at may kasamang apatnaraang lalaki upang salubungin kayo.” Natakot si Jacob at lubhang nabahala. Kaya't pinagdalawa niyang pangkat ang kanyang mga tauhan pati mga hayop upang, kung salakayin sila ni Esau, ang isang pangkat ay makakatakas. At nanalangin si Jacob, “Diyos ni Abraham at ni Isaac, tulungan po ninyo ako! Sinabi po ninyong ako'y bumalik sa aming lupain at mga kamag-anak, at hindi ninyo ako pababayaan. Hindi po ako karapat-dapat sa lahat ng kagandahang-loob ninyo sa akin. Nang tumawid po ako sa Jordan, wala akong dala kundi tungkod, ngunit ngayon sa aking pagbabalik, dalawang pangkat na ang aking kasama. Iligtas ninyo ako sa kamay ng aking kapatid na si Esau. Nangangamba po akong sa pagkikita nami'y patayin niya kami pati mga babae at mga bata. Nangako po kayong hindi ninyo ako pababayaan. Sinabi ninyong pararamihin ninyo ang aking lahi, sindami ng mga buhangin sa dagat.” Kinabukasan, si Jacob ay naghanda ng regalo para kay Esau. Pumili siya ng dalawampung barako at dalawandaang inahing kambing, dalawandaang inahing tupa at dalawampung barako, tatlumpung gatasang kamelyo na may mga anak, apatnapung inahing baka at sampung toro, at dalawampung inahing asno at sampung lalaking asno. Bawat kawan ay ipinagkatiwala niya sa isang alipin. Sinabi niya sa kanila, “Mauna kayo sa akin, ngunit huwag kayong magsasabay-sabay; lagyan ninyo ng pagitan ang bawat kawan.” Sinabi niya sa naunang alipin, “Kung masalubong mo ang aking kapatid at tanungin ka, ‘Sino ang iyong panginoon? Saan ka pupunta? Kaninong mga hayop ito?’ Sabihin mong, ‘Ito po'y galing sa inyong lingkod na si Jacob. Regalo po niya ito sa panginoon niyang si Esau.’ Sabihin mo ring kasunod na ninyo ako.” Ganito rin ang iniutos niya sa pangalawa, pangatlo at sa lahat ng aliping kasama ng kawan. Ipinasabi rin niya sa mga ito na siya'y kasunod nila. Inisip ni Jacob na sa ganitong paraa'y patatawarin siya ni Esau, kung sila'y magtagpo, dahil sa mga regalong padala niya. Ang mga regalong ito'y nauna sa kanya; nagpahinga muna siya sa kanyang kampo nang gabing iyon. Nang gabi ring iyon, gumising si Jacob at itinawid sa Ilog Jabok ang dalawa niyang asawa, labing-isang anak at dalawang asawang-lingkod. Pagkatapos maitawid ang lahat niyang ari-arian, naiwang mag-isa si Jacob. Doon, nakipagbuno sa kanya ang isang lalaki hanggang sa pagbubukang-liwayway. Nang maramdaman ng lalaki na hindi niya madadaig si Jacob, hinampas niya ito sa balakang at ang buto nito'y nalinsad. Sinabi ng lalaki, “Bitiwan mo na ako at magbubukang-liwayway na!” “Hindi kita bibitiwan hangga't hindi mo ako binabasbasan,” wika ni Jacob. Tinanong ng lalaki kung sino siya, at sinabi niyang siya'y si Jacob. Sinabi sa kanya ng lalaki, “Mula ngayo'y Israel na ang itatawag sa iyo, at hindi na Jacob, sapagkat nakipagbuno ka sa Diyos at sa mga tao, at ikaw ay nagtagumpay.” “Ano namang pangalan ninyo?” tanong ni Jacob. “Bakit gusto mo pang malaman?” sagot naman ng lalaki. At binasbasan niya si Jacob. Sinabi ni Jacob, “Nakita ko ang mukha ng Diyos, gayunma'y buháy pa rin ako.” At tinawag niyang Peniel ang lugar na iyon. Sumisikat na ang araw nang umalis siya roon at papilay-pilay na lumakad. Iyon ang dahilan kung bakit hanggang ngayo'y hindi kinakain ng mga Israelita ang litid ng pigi ng hayop, sapagkat iyon ang bahaging napilay kay Jacob. Natanaw ni Jacob na dumarating si Esau kasama ang apatnaraan niyang tauhan. Kaya't pinasama niya ang mga bata sa kani-kanilang ina. Nasa unahan ang dalawang asawang-lingkod at ang kanilang mga anak, kasunod si Lea at ang kanyang mga anak, at sa hulihan si Raquel at ang anak nitong si Jose. Umuna si Jacob sa kanilang lahat at pitong ulit na yumukod hanggang sa makarating sa harapan ng kapatid. Siya'y patakbong sinalubong ni Esau, niyakap nang mahigpit at hinagkan. Nag-iyakan ang magkapatid. Nang makita ni Esau ang mga babae at mga bata, itinanong niya kung sino sila. “Iyan ang mga anak na kaloob sa akin ng Diyos,” tugon ni Jacob. Nagsilapit ang mga asawang-lingkod na kasama ang mga bata at yumukod; sumunod si Lea at ang kasamang mga bata, at sa katapus-tapusa'y si Jose at si Raquel. Yumukod silang lahat at nagbigay-galang kay Esau. “Ano naman ang mga kawan na nasalubong ko?” tanong ni Esau. “Iyon ay mga pasalubong ko sa iyo,” sagot niya. Ngunit sinabi ni Esau, “Sapat na ang kabuhayan ko. Sa iyo na lang iyan.” Sinabi ni Jacob, “Hindi! Para sa iyo talaga ang mga iyan; tanggapin mo na kung talagang ako'y pinapatawad mo. Pagkakita ko sa mukha mo at madama ang magandang pagtanggap mo sa akin, para ko na ring nakita ang Diyos! Kaya, tanggapin mo na ang regalo ko sa iyo. Naging mabuti sa akin ang Diyos; hindi ako kinapos sa anumang bagay.” At hindi niya tinigilan si Esau hanggang sa tanggapin nito ang kanyang kaloob. “Sige, umalis na tayo, at ako na ang mauuna sa inyo,” sabi ni Esau. Sinabi ni Jacob, “Ang mga bata'y mahina pa. Inaalaala ko rin ang mga tupa at bakang may bisiro. Kung tayo'y magmadali para makatipid ng isang araw, baka naman mamatay ang mga ito. Mabuti pa, mauna ka na at kami'y susunod sa inyo. Sisikapin ko namang bilis-bilisan ang lakad hanggang kaya ng mga hayop at bata, at mag-aabot din tayo sa Seir.” “Kung gayon, pasasamahan ko kayo sa ilang tauhan ko,” sabi ni Esau. “Hindi na kailangan. Labis-labis na ang iyong kagandahang-loob sa akin,” sabi naman ni Jacob. Nang araw na iyon ay umuna na si Esau papuntang Seir. Pumunta naman si Jacob sa Sucot at nagtayo roon ng kanyang toldang tirahan at kulungan ng mga hayop. Kaya, tinawag na Sucot ang lugar na iyon. Mula sa Sucot, si Jacob ay tumawid sa Shekem at nagtayo ng kanyang tolda sa isang parang sa tapat ng lunsod. Nagbalik siya sa Canaan matapos manirahan nang matagal sa Mesopotamia. Ang parang na pinagtayuan niya ng tolda ay binili niya sa tagapagmana ni Hamor na ama ni Shekem sa halagang sandaang pirasong pilak. Doon siya nagtayo ng altar at tinawag niyang El-Elohe-Israel, na ang kahulugan ay si El ang Diyos ng Israel. Minsan, si Dina, ang anak na dalaga ni Jacob kay Lea, ay dumalaw sa ilang kababaihan sa lupaing iyon. Nakita siya ni Shekem, anak na binata ni Hamor na isang Hivita at pinuno sa lupaing iyon. Sapilitan siyang isinama nito at ginahasa. Ngunit napamahal na nang husto kay Shekem si Dina at sinikap niyang suyuin ito. Sinabi ni Shekem sa kanyang ama na lakaring mapangasawa niya ang dalaga. Nalaman ni Jacob na pinagsamantalahan ni Shekem ang kanyang anak, ngunit hindi muna siya kumibo sapagkat nagpapastol noon ng baka ang kanyang mga anak na lalaki. Nagpunta naman si Hamor kay Jacob upang makipag-usap. Siya namang pagdating ng mga anak na lalaki ni Jacob mula sa kaparangan. Nabigla sila nang mabalitaan ang nangyari sa kapatid, at gayon na lamang ang kanilang galit dahil sa ginawa ni Shekem. Ito'y itinuring nilang isang paglapastangan sa buong angkan ni Jacob. Sinabi ni Hamor, “Yaman din lamang na iniibig ni Shekem si Dina, bakit hindi pa natin sila ipakasal? Magkaisa na tayo! Hayaan nating mapangasawa ng aming mga binata ang inyong mga dalaga, at ng aming mga dalaga ang inyong mga binata. Sa gayo'y maaari na kayong manatili dito sa aming lupain. Maaari kayong tumira kung saan ninyo gusto; maaari kayong maghanapbuhay at magkaroon ng ari-arian.” Nakiusap ding mabuti si Shekem sa ama at mga kapatid ni Dina. Sinabi niya, “Pagbigyan na po ninyo ang aking hangarin, at humiling naman kayo ng kahit anong gusto ninyo. Sabihin po ninyo kung ano ang dote na dapat kong ibigay at kung magkano pa ang kailangan kong ipagkaloob sa inyo, makasal lamang kami.” Dahil sa paglapastangan kay Dina, mapanlinlang ang pagsagot ng mga anak na lalaki ni Jacob sa mag-amang Hamor at Shekem. Sinabi nila, “Malaking kahihiyan namin kung hindi tuli ang mapapangasawa ng aming kapatid. Papayag lamang kami kung ikaw at ang lahat ng mga lalaking nasasakupan ninyo ay magpapatuli. Pagkatapos, maaari na ninyong mapangasawa ang aming mga dalaga at ang inyo nama'y mapapangasawa namin. Magiging magkababayan na tayo at mamumuhay tayong magkakasama. Kung di kayo sasang-ayon, isasama na namin si Dina at aalis na kami.” Pumayag naman ang mag-amang Hamor at Shekem. Hindi na sila nag-aksaya ng panahon sapagkat napakalaki ng pag-ibig ni Shekem kay Dina. Si Shekem ay iginagalang ng lahat sa kanilang sambahayan. Sa may pintuan ng lunsod, tinipon ng mag-ama ang lahat ng lalaki sa Shekem. Sinabi nila, “Napakabuting makisama ng mga dayuhang dumating dito sa atin. Dito na natin sila patirahin, maluwang din lamang ang ating lupain. Pakasalan natin ang kanilang mga dalaga at sila nama'y gayon din. Ngunit mangyayari lamang ito kung ang ating mga kalalakihan ay patutuli na tulad nila. Sa gayon, ang kanilang ari-arian, mga kawan at bakahan ay mapapasaatin. Sumang-ayon na tayong mamuhay silang kasama natin.” Sumang-ayon naman sa panukalang ito ang mga lalaki, at silang lahat ay nagpatuli. Nang ikatlong araw na matindi pa ang kirot ng sugat ng mga tinuli, kinuha nina Simeon at Levi na mga kapatid ni Dina, ang kanilang tabak at pinagpapatay ang mga lalaki roon na walang kamalay-malay. Pinatay nila pati ang mag-amang Hamor at Shekem, at itinakas si Dina. Pagkatapos ng pagpatay sinamsam naman ng ibang mga anak ni Jacob ang mahahalagang ari-arian doon. Ginawa nila ito dahil sa panghahalay sa kanilang kapatid na babae. Sinamsam nila pati mga kawan, mga baka, mga asno at lahat ng mapapakinabangan sa bayan at sa bukid. Dinala nilang lahat ang mga kayamanan, binihag ang mga babae't mga bata, at walang itinirang anuman. Sinabi ni Jacob kina Simeon at Levi, “Binigyan ninyo ako ng napakalaking suliranin. Ngayon, kamumuhian ako ng mga Cananeo at Perezeo. Kapag nagkaisa silang salakayin tayo, wala tayong sapat na tauhang magtatanggol; maaari nilang lipulin ang aking sambahayan.” Ngunit sila'y sumagot, “Hindi po kami makakapayag na ituring na isang masamang babae ang aming kapatid.” Sinabi ng Diyos kay Jacob, “Pumunta ka sa Bethel at doon ka manirahan. Ipagtayo mo roon ng altar ang Diyos na nagpakita sa iyo noong tumatakas ka sa iyong kapatid na si Esau.” Kaya't sinabi ni Jacob sa kanyang sambahayan at sa lahat ng kasama niya, “Itapon ninyong lahat ang diyus-diyosang taglay ninyo, maglinis kayo ng inyong katawan, at magbihis kayo. Aalis tayo rito at pupunta sa Bethel. Magtatayo ako roon ng altar para sa Diyos na kasama ko saanman at laging tumutulong sa akin sa panahon ng kagipitan.” Ibinigay nila kay Jacob ang kanilang mga diyus-diyosan at ang suot nilang mga hikaw. Ang lahat ng ito'y ibinaon ni Jacob sa tabi ng malaking punong malapit sa Shekem. Ang mga tao sa mga karatig-bayan ay natakot kay Jacob at sa kanyang mga anak na lalaki, kaya't walang nangahas humabol sa kanila nang sila'y umalis. Nang dumating sila sa Luz, sa lupain ng Canaan, gumawa siya ng altar at tinawag niyang El-Bethel ang lugar na iyon, sapagkat doon nagpakita sa kanya ang Diyos nang siya'y tumakas mula sa kanyang kapatid. Namatay si Debora, ang nag-alaga kay Rebeca, at inilibing sa tabi ng malaking puno sa gawing timog ng Bethel. At ang dakong iyo'y tinawag na “Roble ng Pagluha.” Pagbalik ni Jacob mula sa Mesopotamia, muling nagpakita sa kanya ang Diyos at siya'y binasbasan, “Jacob ang pangalan mo, ngunit mula ngayon, Israel na ang itatawag sa iyo.” Sinabi pa sa kanya, “Ako ang Makapangyarihang Diyos; magkakaroon ka ng maraming anak. Darami ang iyong mga lahi at sa kanila'y may mga magiging hari. Magmumula sa lahi mo ang maraming bansa. Ang mga lupaing aking ipinangako kay Abraham at kay Isaac ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong mga anak.” At iniwan siya ng Diyos. Naglagay si Jacob ng batong palatandaan sa lugar na pinagtagpuan nila. Binuhusan niya ito ng langis at alak bilang tanda na ito'y ukol sa Diyos. Tinawag niyang Bethel ang lugar na iyon. Umalis sila sa Bethel. Nang sila'y malapit na sa Efrata, naramdaman ni Raquel na manganganak na siya at napakatindi ng kanyang hirap. Sinabi sa kanya ng hilot, “Huwag kang matakot, lalaki na naman ang isisilang mo.” Nasa bingit na siya ng kamatayan, at bago siya nalagutan ng hininga, ang sanggol ay tinawag niyang Benoni, ngunit Benjamin naman ang ipinangalan ni Jacob. Namatay si Raquel at inilibing sa tabi ng daang patungo sa Efrata na ngayon ay Bethlehem. Ang puntod ay nilagyan ni Jacob ng batong pananda at hanggang ngayo'y makikita pa rin ang panandang iyon sa puntod ni Raquel. Nagpatuloy ng paglalakbay si Israel at nagkampo sa kabilang panig ng tore ng Eder. Samantalang sina Israel ay nasa lupaing iyon, sumiping si Ruben kay Bilha na isa sa mga asawang-lingkod ng kanyang ama. Nalaman ito ni Israel. Labindalawa ang mga anak na lalaki ni Jacob: kay Lea, ang naging anak niya'y sina Ruben, Simeon, Levi, Juda, Isacar at Zebulun; kay Raquel, si Jose at si Benjamin; kay Bilha na alipin ni Raquel, si Dan at si Neftali; kay Zilpa naman na alipin ni Lea, ang naging anak niya'y sina Gad at Asher. Sa Mesopotamia ipinanganak ang lahat ng ito. Dumalaw si Jacob sa kanyang amang si Isaac sa Mamre, na tinatawag ding Lunsod ng Arba o Hebron. Dito rin tumira si Abraham. Si Isaac ay 180 taon nang mamatay at mamahinga sa piling ng kanyang mga ninuno. Siya'y inilibing nina Esau at Jacob. Ito ang kasaysayan ng lahi na mula kay Esau na tinatawag ding Edom. Ang napangasawa niya ay mga Cananea: si Ada, anak ni Elon na Heteo, si Aholibama, anak ni Ana at apo ni Zibeon na Hivita, at si Basemat na anak naman ni Ismael at kapatid ni Nebayot. Ang anak ni Esau kay Ada ay si Elifaz; kay Basemat ay si Reuel; at kay Aholibama ay sina Jeus, Jalam at Korah. Silang lahat ay ipinanganak sa Canaan. Nangibang-bayan si Esau kasama ang kanyang mga asawa, mga anak, mga tauhan, pati ang mga hayop at ang lahat ng ari-arian ay kanyang dinala. Iniwan niya si Jacob sa Canaan, sapagkat ang lupaing ito'y hindi na sapat sa kanilang mga kawan. Sa Seir nanirahan si Esau. Ito ang kasaysayan ng lahi na mula kay Esau, ang pinagmulan ng mga Edomita sa kaburulan ng Seir: si Elifaz, anak kay Ada; at si Reuel, kay Basemat. Ang mga anak naman ni Elifaz ay sina Teman, Omar, Zefo, Gatam at Kenaz. At si Amalek ang naging anak ni Elifaz kay Timna. Sila ang mga apo ni Esau kay Ada. Ito naman ang mga apo ni Esau kay Reuel na anak ni Basemat: Nahat, Zera, Shammah at Miza. Ang mga anak ni Esau kay Aholibama na anak ni Ana at apo ni Zibeon, ay sina Jeus, Jalam at Korah. Naging mga pinuno rin sa lupain ng Edom sina Nahat, Zera, Shammah, at Miza na mga anak ni Reuel. Sila ang mga apo ni Esau kay Basemat. Sina Jeus, Jalam at Korah ang naging pinuno sa mga anak ni Esau kay Aholibama na anak ni Ana. Ang lahat ng mga liping ito'y nagmula sa lahi ni Esau. Ito ang mga anak ni Seir, ang Horeo: Lotan, Sobal, Zibeon, Ana, Dishon, Ezer at Disan. Sila ang mga pinuno ng mga Horeo na unang nanirahan sa lupain ng Edom. Ang mga anak ni Lotan ay sina Hori at Heman. Si Timna ay kapatid na babae ni Lotan. Ito naman ang mga anak ni Sobal: Alvan, Manahat, Ebal, Zefo at Onam. Ang kay Zibeon naman ay sina Aya at Ana. Si Ana ang siyang nakatuklas ng mainit na bukal sa ilang samantalang inaalagaan ang mga asno ng kanyang ama. Ang mga anak ni Ana ay si Dishon at ang kapatid nitong babae na si Aholibama. Ang mga anak naman ni Dishon ay sina Hemdan, Esban, Itran at Keran. Sina Bilhan, Zaavan at Acan ang mga anak naman ni Ezer. At ang kay Disan ay sina Hus at Aran. Ito ang mga pinuno ng mga Horeo sa lupain ng Seir ayon sa kanilang angkan: Lotan, Sobal, Zibeon, Ana, Dishon, Ezer at Disan. Ito naman ang mga naging hari sa lupain ng Edom bago nagkaroon ng haring Israelita. Si Bela, ang anak ni Beor, ay naghari sa Lunsod ng Dinaba. Pagkamatay niya, pumalit si Jobab na anak ni Zerah, na taga-Bosra. Nang mamatay naman si Jobab, pumalit si Husam na Temaneo. Namatay si Husam, at humalili naman si Hadad, anak ni Bedad na tumalo sa mga Midianita sa lupain ng Moab. Avit ang tawag sa kanyang lunsod. Pagkamatay ni Hadad, siya'y pinalitan ni Samla na taga-Masreca. Si Saul namang taga-Rehobot sa Eufrates ang sumunod na namahala pagkamatay ni Samla. Pagkamatay ni Saul, ang naghari ay si Baal-hanan na anak ni Acbor. Pagkamatay ni Baal-hanan, pumalit si Hadar. Ang pangalan ng lunsod niya ay Pau. Si Mehetabel na anak ni Matred at apo ni Mezahab ang kanyang asawa. Ito ang mga liping nagmula kay Esau ayon sa kanilang tirahan: Timna, Alva, Jetet, Aholibama, Ela, Pinon, Kenaz, Teman, Mibzar, Magdiel at Iram. Ito ang mga bansa ng Edom ayon sa kani-kanilang tirahan. Si Esau ang ninuno ng mga Edomita. Si Jacob ay nanatili sa Canaan, sa lupaing tinirhan ng kanyang ama. Ito ang kasaysayan ng sambahayan ni Jacob: Nang si Jose ay labimpitong taon na, nag-aalaga siya ng kawan kasama ng kanyang mga kapatid sa ama, ang mga anak nina Bilha at Zilpa, na mga asawang-lingkod ng kanyang ama. Alam niya ang masasamang gawain ng kanyang mga kapatid kaya't ang mga ito'y isinumbong niya sa kanilang ama. Mas mahal ni Israel si Jose kaysa ibang mga anak, sapagkat matanda na siya nang ito'y isinilang. Iginawa niya ito ng damit na mahaba at may manggas. Nang mahalata ng mga kapatid ni Jose na mas mahal siya ng kanilang ama, kinamuhian siya ng mga ito at ayaw siyang pakisamahang mabuti. Minsan, nanaginip si Jose at lalong namuhi ang mga kapatid niya nang ito'y ikuwento niya sa kanila. Sabi ni Jose, “Napanaginipan ko, na tayo ay nasa bukid at nagbibigkis ng trigo. Tumayo ang aking binigkis at yumukod sa paligid nito ang inyong mga binigkis.” “Ano! Ang ibig mo bang sabihin ay maghahari ka sa amin?” tanong nila. At lalo silang nagalit kay Jose. Nanaginip muli si Jose at isinalaysay sa kanyang mga kapatid ang ganito: “Nakita ko sa aking panaginip na ang araw, ang buwan at labing-isang bituin ay yumuko sa aking harapan.” Sinabi rin niya ito sa kanyang ama, at ito'y nagalit din sa kanya. “Anong ibig mong sabihin?” tanong ng ama. “Kami ng iyong ina't mga kapatid ay yuyuko sa harapan mo?” Inggit na inggit kay Jose ang kanyang mga kapatid. Inisip-isip namang mabuti ng kanyang ama ang mga bagay na ito. Isang araw, nasa Shekem ang mga kapatid ni Jose at pinapastol doon ang kawan ng kanilang ama. Sinabi ni Israel kay Jose, “Gumayak ka at sumunod sa iyong mga kapatid.” “Opo,” tugon ni Jose. Sinabi pa ng kanyang ama, “Tingnan mo kung sila'y nasa mabuting kalagayan. Pagkatapos, bumalik ka agad at nang malaman ko.” Lumakad nga si Jose mula sa libis ng Hebron at nakarating sa Shekem. Sa kanyang paglalakad, nakita siya ng isang lalaki at tinanong kung anong hinahanap niya. “Hinahanap ko po ang aking mga kapatid na nagpapastol ng aming kawan,” sagot niya. “Saan ko po kaya sila makikita?” Sinabi ng lalaki, “Umalis na sila at ang dinig ko'y sa Dotan pupunta.” Sumunod si Jose at natagpuan nga roon ang mga kapatid. Malayo pa'y natanaw na siya ng mga ito. Nagkaisa silang patayin siya. Sinabi nila, “Ayan na ang mahilig managinip! Patayin natin siya at ihulog sa balon, at sabihing siya'y sinila ng mabangis na hayop. Tingnan natin kung ano ang mangyayari sa kanyang mga panaginip.” Narinig ito ni Ruben at binalak niyang iligtas si Jose. Sabi niya, “Huwag, huwag nating patayin. Huwag natin siyang pagbuhatan ng kamay; ihulog na lamang natin sa balon.” Sinabi niya ito, sapagkat ang balak niya ay iligtas ang kapatid at dalhin ito sa kanyang ama. Paglapit ni Jose, hinubad nila ang mahabang damit nito na may manggas, at inihulog sa isang tuyong balon. Habang sila'y kumakain, may natanaw silang pangkat ng mga Ismaelitang mula sa Gilead. Ang kanilang mga kamelyo ay may kargang mga gagawing pabango na dadalhin sa Egipto. Sinabi ni Juda sa kanyang mga kapatid, “Wala tayong mapapala kung papatayin natin ang ating kapatid. Mabuti pa'y ipagbili na lamang natin siya sa mga Ismaelita kaysa ating saktan! Siya'y kapatid din natin, laman ng ating laman at dugo ng ating dugo.” At sila'y nagkasundo. Kaya't nang may dumaraang mga mangangalakal na Midianita, iniahon nila si Jose at ipinagbili sa halagang dalawampung pirasong pilak. At si Jose'y dinala ng mga Ismaelita sa Egipto. Pagbalik ni Ruben sa balon, nakita niyang wala na roon si Jose. Sa laki ng kanyang pagdaramdam, pinunit niya ang kanyang damit. Lumapit siya sa kanyang mga kapatid at ang sabi, “Wala na sa balon si Jose! Ano ang gagawin ko ngayon?” Nagpatay sila ng kambing at itinubog sa dugo nito ang hinubad na damit ni Jose. Pagkatapos, dinala nila ito sa kanilang ama at sinabi, “Nakita po namin ang damit na ito, tingnan nga ninyo kung ito nga ang sa mahal ninyong anak.” Nakilala niya agad ang damit. “Kanya nga ito! Pinatay ng mabangis na hayop ang anak ko! Pihong nagkaluray-luray ang kanyang katawan.” Sinira ni Jacob ang suot niyang damit, at nagsuot ng damit-panluksa. Ipinagluksa niya nang mahabang panahon ang nangyari sa kanyang anak. Inaliw siya ng lahat niyang mga anak ngunit patuloy ang kanyang pamimighati. Sinabi niya, “Mapupunta ako sa daigdig ng mga patay na nagdadalamhati dahil sa pagkawala ng aking anak.” Patuloy siyang nagluksa dahil kay Jose. Samantala, pagdating sa Egipto, ipinagbili si Jose ng mga Midianita kay Potifar, isang punong kawal ng Faraon at kapitan ng mga tanod sa palasyo. Nang panahong iyon, humiwalay si Juda sa kanyang mga kapatid at nakipanirahan kay Hira na isang Adullamita. Napangasawa niya roon ang anak ni Sua, isang Cananeo. Nagkaanak sila ng tatlong lalaki: Er ang ipinangalan sa panganay, ang pangalawa'y Onan, at Sela naman ang pangatlo. Si Juda ay nasa Kizib nang ipanganak si Sela. Pinapag-asawa ni Juda ang kanyang panganay na si Er at ang napangasawa nito'y si Tamar. Napakasama ng ugali ni Er, kaya't nagalit sa kanya si Yahweh at siya'y pinatay. Kaya't sinabi ni Juda kay Onan, “Tungkulin mong sipingan ang biyuda ng iyong kapatid upang magkaroon siya ng mga anak sa pamamagitan mo.” Alam ni Onan na hindi ituturing na kanya ang magiging anak niya sa kanyang hipag. Kaya itinatapon niya sa labas ang kanyang binhi upang huwag magkaanak ang kanyang kapatid sa pamamagitan niya. Ito'y kasuklam-suklam kay Yahweh kaya't pinatay rin siya. Sinabi ni Juda sa manugang niyang si Tamar, “Umuwi ka na muna sa inyo at hintayin mong lumaki ang bunso kong si Sela.” Sinabi niya ito dahil sa takot na baka mangyari kay Sela ang sinapit ng kanyang mga kapatid. Kaya't umuwi muna si Tamar sa kanyang ama. Pagkalipas ng panahon ay namatay ang asawa ni Juda. Matapos ang pagluluksa, nagpunta si Juda sa Timnat para tingnan ang paggugupit sa balahibo ng kanyang mga tupa. Kasama niya ang kaibigan niyang si Hira na taga-Adullam. Samantala, may nagsabi kay Tamar na pupunta sa Timnat ang kanyang biyenan upang gupitan ng balahibo ang mga tupa nito. Pagkarinig nito, hinubad niya ang kanyang damit-panluksa. Nagtalukbong siya at naupo sa pagpasok ng Enaim, bayang nadadaanan patungo sa Timnat. Ginawa niya ito sapagkat alam niyang binata na si Sela, ngunit hindi pa sila ipinakakasal ng kanyang biyenan. Nakita ni Juda si Tamar; inakala niyang ito'y isang babaing nagbebenta ng aliw sapagkat may takip ang mukha. Lumapit siya at inalok ang babae na makipagtalik sa kanya. Hindi niya alam na ito ang kanyang manugang. “Anong ibabayad mo sa akin?” tanong ng babae. Sumagot si Juda, “Padadalhan kita ng isang batang kambing.” “Payag ako,” sabi ng babae, “kung bibigyan mo ako ng isang sangla hangga't hindi ko tinatanggap ang ipadadala mo.” “Anong sangla ang gusto mo?” tanong ni Juda. Sumagot siya, “Ang iyong singsing na pantatak kasama ang kadena at ang tungkod mo.” Ibinigay niya ang hiningi ng babae at sila'y nagsiping. Nagdalang-tao si Tamar. Pagkatapos, umuwi siya at inalis ang kanyang talukbong at isinuot muli ang kanyang damit-panluksa. Pag-uwi ni Juda, isinugo niya ang kaibigan niyang taga-Adullam upang dalhin sa babae ang ipinangako niyang kambing, at bawiin naman ang iniwang sangla. Nagtanung-tanong siya sa mga lalaking tagaroon, at ang sagot ng mga ito'y walang gayong babae roon. Nagbalik kay Juda ang kanyang kaibigan at sinabi ang nangyari sa kanyang lakad. Kaya't sinabi ni Juda, “Hayaan mo na sa kanya ang iniwan kong sangla, baka tayo'y pagtawanan pa ng mga tao. Dinala mo na sa kanya ang kambing, ngunit wala siya roon!” Makaraan ang tatlong buwan, may nagsabi kay Juda, “Ang manugang mong si Tamar ay naglaro ng apoy at ngayo'y nagdadalang-tao.” “Ilabas ninyo siya at sunugin!” ang utos ni Juda. Habang siya'y kinakaladkad na palabas, ipinasabi niya sa kanyang biyenan, “Ang may-ari ng mga ito ang ama ng aking dinadala. Tingnan mo kung kanino ang singsing, kadena at tungkod na ito.” Nakilala ni Juda ang iniwan niyang sangla, kaya't sinabi niya, “Wala siyang kasalanan, ako ang nagkulang; dapat sana'y ipinakasal ko siya kay Sela.” At hindi na niya ito muling sinipingan. Dumating ang panahon ng panganganak ni Tamar at natuklasang kambal ang kanyang isisilang. Sa oras ng kanyang panganganak, lumabas ang kamay ng isa at ito'y tinalian ng hilot ng pulang sinulid upang makilala ang unang inianak. Ngunit iniurong ng sanggol ang kanyang kamay at naunang lumabas ang kanyang kakambal. Sinabi ng hilot, “Ano't nakipagsiksikan kang palabas?” Dahil dito, Fares ang ipinangalan sa bata. Ang sanggol na may taling pulang sinulid ang huling iniluwal. At ito'y pinangalanang Zara. Dinala nga si Jose sa Egipto at doo'y ipinagbili siya ng mga Ismaelita kay Potifar, isang Egipcio na pinuno sa pamahalaan ng Faraon at kapitan ng mga tanod sa palasyo. Sa buong panahon ng paglilingkod ni Jose sa bahay ni Potifar ay pinatnubayan siya ni Yahweh. Anumang kanyang gawin ay nagtatagumpay. Napansin ni Potifar na tinutulungan ni Yahweh si Jose, kaya ginawa niya itong katiwala sa bahay at sa lahat niyang ari-arian. Mula noon, dahil kay Jose ay pinagpala ni Yahweh ang buong sambahayan ni Potifar pati ang kanyang mga bukirin. Ipinagkatiwala ni Potifar kay Jose ang lahat, maliban sa pagpili ng kanyang kakainin. Si Jose'y matipuno at magandang lalaki. Dumating ang panahon na pinagnasaan siya ng asawa ni Potifar. Sinabi nito, “Sipingan mo ako.” Tumanggi si Jose at ang sabi, “Panatag po ang kalooban ng aking panginoon sapagkat ako'y narito. Ginawa niya akong katiwala, at ipinamahala niya sa akin ang lahat sa bahay na ito, maliban sa inyo na kanyang asawa. Hindi ko po magagawa ang ganyan kalaking kataksilan at pagkakasala sa Diyos.” Hindi pinapansin ni Jose ang babae kahit araw-araw itong nakikiusap na sumiping sa kanya. Ngunit isang araw, nasa bahay si Jose upang gampanan ang kanyang tungkulin. Nagkataong wala roon ang ibang mga utusan. Walang anu-ano'y hinablot ng babae ang kanyang balabal at sinabi, “Halika't sipingan mo na ako!” Patakbo siyang lumabas ngunit naiwan ang kanyang balabal sa babae. Sa pangyayaring ito, nagsisigaw ito at tinawag ang mga katulong na lalaki, “Tingnan ninyo! Dinalhan tayo ng asawa ko ng Hebreong ito para hamakin tayo. Sukat ba namang pasukin ako sa aking silid at gusto akong pagsamantalahan! Mabuti na lamang at ako'y nakasigaw. Pagsigaw ko'y kumaripas siya ng takbo, at naiwan sa akin ang kanyang damit.” Itinago niya ang balabal ni Jose hanggang sa dumating ang asawa. Sinabi niya rito, “Ang Hebreong dinala mo rito'y bigla na lamang pumasok sa aking silid at gusto akong pagsamantalahan. Nang ako'y sumigaw, kumaripas ng takbo at naiwan sa akin ang kanyang balabal.” Nagalit si Potifar nang marinig ang sinabi ng asawa, kaya't ipinahuli niya si Jose at isinama sa mga bilanggong tauhan ng Faraon. Ngunit si Jose ay hindi pinabayaan ni Yahweh. Ang bantay ng bilangguan ay naging napakabait sa kanya. Si Jose ay ginawa niyang tagapamahala ng lahat ng mga bilanggo, at siya ang tanging nagpapasya kung ano ang gagawin sa loob ng bilangguan. Hindi na halos nakikialam ang bantay ng bilangguan sa ginagawa ni Jose, sapagkat si Yahweh ay kasama nito at pinagtatagumpay siya sa lahat niyang gawain. Minsan, ang tagapangasiwa ng mga inumin ng Faraon at ang punong panadero ay parehong nagkasala sa kanilang panginoon na hari ng Egipto. Sa galit nito, sila'y ipinakulong sa bahay ng punong guwardiya ng piitang pinagdalhan kay Jose. Si Jose ang naatasan ng kapitan na tumingin at maglingkod sa dalawang bilanggo, kaya't matagal silang magkasama sa bilangguan. Isang gabi, ang tagapangasiwa ng mga inumin at ang punong panadero ay parehong nanaginip. Kinaumagahan, nang dumalaw si Jose, napuna niyang nababalisa ang dalawa. Tinanong niya kung bakit, at sila nama'y nagpaliwanag. “Alam mo, pareho kaming nanaginip, ngunit wala ni isa mang makapagpaliwanag ng kahulugan ng mga iyon.” “Ang Diyos lamang ang nakapagpapaunawa sa atin ng kahulugan ng mga panaginip,” sabi ni Jose. “Ano ba ang napanaginipan ninyo?” Ang tagapangasiwa ng inumin ang unang nagsalaysay. Ang sabi nito, “Napanaginipan kong sa harapan ko'y may puno ng ubas na may tatlong sanga. Pagsibol ng dahon nito, namulaklak na rin at kaagad nahinog ang mga bunga. Hawak ko noon ang kopa ng Faraon, kaya't pinisa ko ang ubas at ibinigay sa Faraon.” “Ito ang kahulugan ng panaginip mo,” sabi ni Jose. “Ang tatlong sanga ay tatlong araw. Sa loob ng tatlong araw, ipapatawag ka ng Faraon at patatawarin. Ibabalik ka sa dati mong tungkulin. Kaya, kapag naroon ka na, huwag mo naman akong kakalimutan. Banggitin mo naman ako sa Faraon at tulungan mo akong makalaya sa bilangguang ito. Ang totoo'y kinuha lamang ako sa lupain ng mga Hebreo, at wala akong nalalamang dahilan upang mabilanggo rito.” Pagkakita ng punong panadero na maganda ang kahulugan ng panaginip ng kanyang kasama, sinabi nito kay Jose, “Ako'y nanaginip din. May buhat daw akong tatlong basket sa aking ulo. Sa basket na nasa ibabaw ay nakalagay ang iba't ibang pagkaing hinurno para sa Faraon, ngunit ang pagkaing iyo'y tinutuka ng mga ibon.” Sinabi ni Jose, “Ito ang kahulugan ng panaginip mo: sa loob ng tatlong araw ay ipapatawag ka rin ng Faraon at pupugutan ka. Pagkatapos, ibibitin sa kahoy ang iyong bangkay at hahayaang tukain ng mga ibon.” Ang ikatlong araw ay kaarawan ng Faraon, at naghanda siya ng isang salu-salo para sa kanyang mga kagawad. Iniharap niya sa kanyang mga panauhin ang tagapangasiwa ng mga inumin at ang punong panadero. Ibinalik niya sa tungkulin ang tagapangasiwa ng mga inumin, ngunit ipinabitay ang punong panadero. Natupad nga ang sinabi ni Jose sa dalawa, ngunit siya'y nakalimutan ng tagapangasiwa ng mga inumin. Pagkaraan ng dalawang taon, ang Faraon naman ang nanaginip. Napanaginipan niyang siya'y nakatayo sa pampang ng Ilog Nilo. Walang anu-ano'y may pitong magaganda't matatabang bakang umahon sa ilog at nanginain ng damo. Nakatulog siyang muli at nanaginip na naman. May pitong uhay na tumubo sa isang puno ng trigo. Malalaki at matataba ang mga butil nito. Pagkatapos, may sumibol na pitong uhay. Ang mga ito ay payat at tuyot ang mga butil dahil sa hampas ng hanging silangan. Kinain ng mga payat ang matatabang uhay, at muling nagising ang Faraon. Noon niya nalamang siya pala'y nananaginip. Pagsapit ng umaga, nabagabag siya, kaya't ipinatawag niyang lahat ang mga salamangkero at mga matatalinong tao sa buong Egipto. Isinalaysay niya ang kanyang mga panaginip, ngunit isa ma'y walang makapagpaliwanag ng kahulugan ng mga ito. Lumapit sa Faraon ang tagapangasiwa ng mga inumin at sinabi sa kanya, “Ako po'y may malaking pagkukulang na nagawa. Nang magalit po kayo sa amin ng punong panadero at ipabilanggo ninyo kami sa tahanan ng kapitan ng mga tanod, kami po'y parehong nanaginip. Isa pong binatang Hebreo na alipin ng kapitan ng mga tanod ang kasama namin doon. Siya po ang nagpaliwanag ng aming panaginip. Sinabi po niyang ako'y mababalik sa tungkulin at ang punong panadero'y bibitayin; nangyari pong lahat ang kanyang sinabi.” Ipinatawag agad ng Faraon si Jose. Nang mailabas na sa bilangguan, siya'y nag-ahit, nagbihis at kaagad humarap sa hari. Sinabi ng Faraon sa kanya, “Ako'y nanaginip ngunit walang makapagsabi sa akin ng kahulugan niyon. Nabalitaan kong mahusay kang magpaliwanag ng mga panaginip.” “Hindi po ako ang makapagpapaliwanag, kamahalan,” sabi ni Jose. “Ang Diyos po ang siyang magbibigay ng katugunan sa inyong katanungan.” Sinabi ng Faraon, “Ako raw ay nakatayo sa pampang ng Ilog Nilo. May pitong magaganda at matatabang bakang umahon sa ilog at nanginain. Walang anu-ano'y pitong mga payat na baka, pinakapangit na sa nakita ko sa buong Egipto, ang umahon din sa ilog. Kinain ng mga payat ang matatabang baka, ngunit parang walang anumang nangyari. Matapos kainin ang matataba, iyon pa rin ang ayos ng mga payat, napakapangit pa rin, at ako'y nagising. Muli akong nakatulog at nanaginip na naman. May nakita akong pitong uhay sa isang puno ng trigo na hitik na hitik ng hinog na butil. Sa puno ring ito, may sumibol na pitong uhay, ngunit lanta, napakapayat ng mga butil, at tinuyo ng hanging silangan. Kinain ng mga payat na uhay ang matataba. Isinalaysay ko na ito sa mga salamangkero, ngunit walang makapagpaliwanag sa akin.” “Iisa po ang kahulugan ng dalawa ninyong panaginip,” sabi ni Jose. “Ipinapaalam sa inyo ng Diyos kung ano ang kanyang gagawin. Ang pitong matatabang baka po ay pitong taon; iyon din po ang kahulugan ng pitong uhay na matataba ang butil. Ang sinasabi ninyong pitong payat na baka at ang pitong uhay na payat ang mga butil ay pitong taon ng taggutom. Gaya ng sinabi ko sa inyo, iyan po ang gagawin ng Diyos. Magkakaroon ng pitong taóng kasaganaan sa buong Egipto. Ang kasunod naman nito'y pitong taon ng taggutom at dahil sa kapinsalaang idudulot nito, malilimutan na sa Egipto ang nagdaang panahon ng kasaganaan. Mangyayari ito dahil sa katakut-takot na hirap na daranasin sa panahon ng taggutom. Dalawang ulit po ang inyong panaginip, mahal na Faraon, upang ipaalam sa inyo na itinakda na ng Diyos ang bagay na ito, at malapit na niya itong isagawa. “Ang mabuti po'y pumili kayo ng taong matalino at may kakayahan upang siyang mamahala sa Egipto. Maglagay kayo sa buong bansa ng mga tagalikom ng ikalimang bahagi ng lahat ng aanihin sa loob ng pitong taóng kasaganaan. Lahat ng inaning butil sa panahong iyon ay dapat ipunin, ikamalig sa mga lunsod at pabantayang mabuti. Bigyan ninyo ng kapangyarihan ang mga tagalikom upang maisagawa ang lahat ng ito. Ang maiipong pagkain ay ilalaan para sa pitong taon ng taggutom na tiyak na darating sa Egipto. Sa gayon, hindi mamamatay sa gutom ang mga mamamayan sa buong bansa.” Nagustuhan ng Faraon at ng kanyang mga kagawad ang panukala ni Jose. Sinabi nila, “Bakit pa tayo hahanap ng iba, samantalang nasa kanya ang Espiritu ng Diyos?” Kaya't sinabi ng Faraon kay Jose, “Ang Diyos ang nagpakita sa iyo ng lahat ng ito, kaya't wala nang hihigit pa sa iyo sa karunungan at pang-unawa. Ikaw ang pamamahalain ko sa buong bansa, at susundin ka ng lahat. Ang aking trono lamang ang hindi mapapasaiyo. At ngayon, inilalagay kitang gobernador ng buong Egipto!” Inalis ni Faraon sa kanyang daliri ang singsing na pantatak at isinuot iyon kay Jose; binihisan niya ito ng damit na lino at sinabitan ng gintong kuwintas sa leeg. Ipinagamit kay Jose ang pangalawang sasakyan ng hari, at binigyan siya ng tanod pandangal na nauuna sa kanya at sumisigaw, “Lumuhod kayo!” Sa gayon, ipinailalim sa kanya ang pamamahala sa buong Egipto. Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ako ang Faraon at ikaw ang aking pangalawa, ngunit kung wala kang pahintulot, walang sinuman sa Egipto na makakagawa ng anuman.” Binigyan niya si Jose ng bagong pangalan: Zafenat-panea. At ipinakasal sa kanya si Asenat na anak ni Potifera, ang pari sa Heliopolis. Bilang gobernador, pinamahalaan ni Jose ang buong lupain ng Egipto. Tatlumpung taon si Jose nang magsimulang maglingkod sa Faraon. Pagkaalis niya sa harapan ng hari, nilibot niya ang buong Egipto. Pitong taóng nag-ani nang sagana sa buong lupain. Inipon ni Jose ang lahat ng pagkain sa Egipto at ikinamalig sa mga lunsod. Sa loob ng pitong taon ng kasaganaan, inipon niya sa bawat lunsod ang mga pagkaing inani sa palibot nito. Ang naipon niyang trigo ay sindami ng buhangin sa dagat, kaya't hindi na niya tinatakal dahil sa dami. Bago dumating ang taggutom, nagkaanak si Jose ng dalawang lalaki kay Asenat. Tinawag niyang Manases ang panganay, sapagkat sinabi niya, “Niloob ng Diyos na malimot ko ang aking naging hirap sa bahay ng aking ama.” Efraim naman ang ipinangalan sa pangalawa, sapagkat ang sabi niya, “Pinagkalooban ako ng Diyos ng mga anak sa lupain ng aking paghihirap.” Natapos ang pitong taon ng kasaganaan sa Egipto. At sumunod ang pitong taóng taggutom, tulad ng sinabi ni Jose. Ngunit sa buong Egipto'y may pagkain, samantalang taggutom sa ibang bansa. Nang wala nang makain ang mamamayan, sila'y dumaing sa Faraon. Sinabi niya sa mga taga-Egipto, “Magpunta kayo kay Jose, at sundin ninyo ang kanyang sasabihin.” Lumaganap ang taggutom sa buong bansa. Binuksan ni Jose ang lahat ng mga kamalig, at pinagbilhan ng trigo ang mga taga-Egipto. Palubha nang palubha ang taggutom sa buong Egipto. Lumaganap din ito sa ibang mga bansa, kaya't ang mga mamamayan nila'y pumunta sa Egipto upang bumili ng pagkain kay Jose. Nang mabalitaan ni Jacob na maraming pagkain sa Egipto, sinabi niya sa kanyang mga anak na lalaki, “Ano pang hinihintay ninyo? Pumunta kayo sa Egipto at bumili agad ng pagkain upang hindi tayo mamatay sa gutom. Balita ko'y maraming pagkain doon.” Pumunta nga sa Egipto ang sampung kapatid ni Jose upang bumili ng pagkain. Si Benjamin, ang tunay na kapatid ni Jose, ay hindi na pinasama ni Jacob sa takot na may masamang mangyari sa kanya. Kasama ng ibang taga-Canaan, lumakad ang mga anak ni Jacob upang bumili ng pagkain sapagkat laganap na ang taggutom sa buong Canaan. Bilang gobernador ng Egipto, si Jose ang nagbebenta ng pagkain sa mga tao, kaya't sa kanya pumunta ang kanyang mga kapatid. Paglapit ng mga ito, sila'y yumukod sa kanyang harapan. Nakilala agad ni Jose ang mga kapatid niya, ngunit hindi siya nagpahalata. “Tagasaan kayo?” mabagsik niyang tanong. “Taga-Canaan po. Naparito po kami upang bumili ng pagkain,” tugon nila. Nakilala nga ni Jose ang kanyang mga kapatid ngunit hindi siya namukhaan ng mga ito. Naalala niya ang kanyang mga panaginip tungkol sa kanila, kaya't sinabi niya, “Kayo'y mga espiya, at naparito kayo upang makita ang kahinaan ng aming bansa, hindi ba?” “Hindi po! Kami pong mga lingkod ninyo'y bumibili lamang ng pagkain. Magkakapatid po kami, at kami'y mga taong tapat. Hindi po kami mga espiya.” “Hindi ako naniniwala,” sabi ni Jose. “Naparito kayo upang alamin ang kahinaan ng aming bansa!” Kaya't nagmakaawa sila, “Ginoo, kami po'y labindalawang magkakapatid; nasa Canaan po ang aming ama. Pinaiwan po ang bunso naming kapatid; ang isa po nama'y patay na.” Sinabi ni Jose, “Tulad ng sinabi ko, kayo'y mga espiya! At isinusumpa ko sa ngalan ng Faraon, hindi kayo makakaalis hanggang hindi ninyo dinadala rito ang inyong bunsong kapatid. Umuwi ang isa sa inyo at kunin siya; ang iba'y ikukulong dito hanggang hindi ninyo napatutunayan ang inyong sinasabi. Kung hindi, mga espiya nga kayo!” Tatlong araw niyang ikinulong ang kanyang mga kapatid. Pagsapit ng ikatlong araw, sinabi ni Jose sa kanila, “Ako'y may takot sa Diyos; bibigyan ko kayo ng pagkakataong mabuhay kung gagawin ninyo ito: Kung talagang nagsasabi kayo ng totoo, isa lamang sa inyo ang ibibilanggo; ang iba'y makakaalis na at maaari nang iuwi ang pagkaing binili ninyo para sa inyong mga pamilya. Ngunit pagbalik ninyo'y kailangang isama ninyo ang bunso ninyong kapatid. Dito ko malalaman na kayo'y nagsasabi ng totoo, at hindi kayo mamamatay.” Sumang-ayon ang lahat. Pagkatapos, ang sabi nila sa isa't isa, “Nagbabayad na tayo ngayon sa ginawa natin sa ating kapatid. Nakikita natin ang paghihirap ng kanyang kalooban noon ngunit hindi natin pinansin ang kanyang pagmamakaawa. Kaya tayo naman ngayon ang nasa kagipitan.” “Iyan na nga ba ang sinasabi ko,” sabi ni Ruben. “Nakiusap ako sa inyong huwag saktan ang bata, ngunit hindi kayo nakinig; ngayon, pinagbabayad tayo sa kanyang kamatayan.” Hindi nila alam na nauunawaan ni Jose ang kanilang usapan, sapagkat gumagamit pa ito ng tagasalin sa wika kapag humaharap sa kanila. Iniwan muna sila ni Jose dahil sa hindi na niya mapigil ang pag-iyak. Nang panatag na ang kanyang kalooban, bumalik siya at ibinukod si Simeon. Ipinagapos niya ito sa harapan nila. Iniutos ni Jose na punuin ng trigo ang kanilang mga sako at ilagay doon ang salaping ibinayad nila. Pinabigyan pa sila ng makakain sa kanilang paglalakbay. Nasunod lahat ang utos ni Jose. Ikinarga ng magkakapatid sa mga asno ang kanilang biniling pagkain, at sila'y umalis. Pagsapit ng gabi, tumigil sila upang magpahinga. Binuksan ng isa ang kanyang sako upang pakainin ang asno niya at nakita ang salapi sa loob ng sako. Napasigaw ito, “Ibinalik sa akin ang aking salapi! Heto sa aking sako!” Nanginig sila sa takot at nagtanong sa isa't isa, “Ano ang ginawang ito sa atin ng Diyos?” Pagdating nila sa Canaan, isinalaysay nila kay Jacob ang nangyari sa kanila. Sinabi nila, “Ama, napakabagsik pong magsalita ng gobernador sa Egipto. Akalain ba naman ninyong pagbintangan pa kaming mga espiya! Sinabi po naming mga tapat na tao kami at hindi mga espiya. Ipinagtapat pa naming kami'y labindalawang magkakapatid na lalaki at iisa ang aming ama. Sinabi po namin na patay na ang isa naming kapatid, at ang bunso nama'y kasama ninyo rito sa Canaan. Pagkatapos po naming sabihin ito, akalain ninyong susubukan daw niya kung kami'y nagsasabi ng totoo! Pinaiwan po si Simeon, at pinauwi na kaming dala ang pagkaing aming binili. Ngunit mahigpit po ang bilin niya na bumalik kaming kasama ang aming bunsong kapatid bilang katunayang kami'y nagsasabi ng totoo. Kung magagawa namin ito, nangako po siyang palalayain si Simeon at pahihintulutan kaming manirahan at magnegosyo sa kanyang bansa.” Nang isalin nila ang kani-kanilang sako, nakita nila ang salaping kanilang ibinayad. Kaya't pati si Jacob ay natakot. Sinabi niya, “Iiwan ba ninyo akong mag-isa? Wala na si Jose, wala rin si Simeon, ngayo'y gusto pa ninyong isama si Benjamin? Napakabigat namang pasanin ito para sa akin!” Sinabi ni Ruben, “Ama, kung hindi ko maibalik sa inyo si Benjamin, patayin na ninyo ang dalawa kong anak. Ipaubaya ninyo sa akin si Benjamin at ibabalik ko siya.” Ngunit sinabi ni Jacob, “Hindi ko papayagang sumama sa inyo ang aking anak, patay na ang kanyang kapatid at siya na lamang ang nasa akin. Sa tanda ko nang ito, kung siya'y masasawi sa daan, hindi ko na ito makakayanan; mamamatay akong nagdadalamhati.” Lalong tumindi ang taggutom sa Canaan. Nang maubos na ng pamilya ni Jacob ang pagkaing binili sa Egipto, sinabi niya sa kanyang mga anak, “Bumili uli kayo kahit kaunting pagkain sa Egipto.” Sinabi ni Juda sa kanya, “Mahigpit po ang bilin sa amin ng gobernador doon na huwag na kaming magpapakita sa kanya kung hindi namin kasama ang kapatid naming bunso. Kung pasasamahin ninyo siya, bibili po kami ng pagkain doon. Kung hindi ninyo pahihintulutan, hindi po kami maaaring humarap sa gobernador.” Sinabi ni Israel, “Bakit kasi sinabi ninyong mayroon pa kayong ibang kapatid? Ako ang pinahihirapan ninyo sa nangyayaring ito.” Nagpaliwanag sila, “Inusisa pong mabuti ang ating pamilya. Itinanong sa amin kung mayroon pa kaming ama at iba pang kapatid. Sinagot po lamang namin ang kanyang mga tanong. Hindi po namin alam na pati si Benjamin ay pipiliting iharap namin sa kanya.” Kaya sinabi ni Juda kay Israel, “Ama, mamamatay tayo sa gutom. Pasamahin na ninyo si Benjamin at nang makaalis na kami. Itinataya ko ang aking buhay para sa kanya. Ako po ang bahala sa kanya. Kung hindi ko siya maibalik nang buháy, ako ang buntunan ninyo ng lahat ng sisi. Kung hindi ninyo kami pinaghintay nang matagal, marahil ay nakadalawang balik na kami ngayon.” Sinabi ni Israel, “Kung iyon ang mabuti, sige, payag na ako. Ngunit magdala kayo ng handog sa gobernador, kaunting balsamo, pulot-pukyutan, astragalo, laudano, alponsigo at almendra. Doblehin ninyo ang dalang salapi, sapagkat kailangan ninyong ibalik ang salaping nailagay sa inyong mga sako. Maaaring isang pagkakamali lamang iyon. Isama na ninyo ang inyong kapatid at lumakad na kayo. Loobin nawa ng Makapangyarihang Diyos na kahabagan kayo ng taong iyon upang mabalik sa akin si Simeon at si Benjamin. Kung hindi man sila maibalik, handa na ang loob ko.” Nagdala nga sila ng mga kaloob at salaping dapat dalhin, at nagbalik sa Egipto, kasama si Benjamin. Nang makita ni Jose si Benjamin, iniutos niya sa aliping namamahala sa kanyang tahanan, “Isama mo sila sa bahay. Sila'y kasalo ko mamayang pananghalian. Magkatay ka ng hayop at iluto mo.” Sinunod ng alipin ang utos ni Jose at isinama ang magkakapatid. Natakot sila nang sila'y dalhin sa bahay ni Jose. Sa loob-loob nila, “Marahil, dinala tayo rito dahil sa salaping ibinalik sa ating mga sako nang una tayong pumarito. Maaaring bigla na lamang tayong dakpin, kunin ang ating mga asno, at tayo'y gawing mga alipin.” Kaya't nilapitan nila ang katiwala ni Jose at kinausap sa may pintuan ng bahay nito. Sinabi nila, “Ginoo, galing na po kami ritong minsan at bumili ng pagkain. Nang kami'y nagpapahinga sa daan, binuksan namin ang aming mga sako at nakita sa loob ang lahat ng salaping ibinayad namin sa pagkain. Heto po't dala namin para ibalik sa inyo. May dala po kaming bukod na pambili ng pagkain. Hindi po namin alam kung sino ang naglagay ng mga salaping iyon sa mga sako namin.” “Huwag kayong mag-alaala,” sabi ng alipin. “Huwag kayong matakot. Ang inyong Diyos na siya ring Diyos ng inyong ama ang naglagay ng salaping iyon. Tinanggap ko na ang inyong kabayaran sa binili ninyong una.” Pagkatapos ay inilabas ng katiwala si Simeon at isinama sa kanila. Sila'y pinapasok ng katiwala sa bahay ni Jose, pinaghugas ng mga paa, at pinakain ang kanilang mga asno. Pagkatapos, inilabas ng magkakapatid ang kanilang handog para ipagkaloob kay Jose pagdating nito. Narinig nilang doon sila magsasalu-salo. Pagdating ni Jose, yumukod silang lahat sa kanyang harapan at ibinigay ang dala nilang handog. Kinumusta sila ni Jose at pagkatapos ay tinanong, “Kumusta naman ang inyong ama? Malakas pa ba siya?” “Ginoo, buháy pa po siya at malakas,” tugon nila. At sila'y lumuhod at yumukod muli sa harapan niya. Pagkakita ni Jose kay Benjamin, siya ay nagtanong, “Ito ba ang sinasabi ninyong bunsong kapatid? Pagpalain ka ng Diyos, anak!” Hindi mapaglabanan ni Jose ang kanyang damdamin, at halos siya'y mapaiyak dahil sa pagkakita sa kanyang kapatid. Kaya't siya'y pumasok sa kanyang silid at doon umiyak. Nang mapayapa na niya ang kanyang kalooban, naghilamos siya, lumabas, at nagpahain ng pagkain. Si Jose ay ipinaghaing mag-isa sa isang mesa, at ang kanyang mga kapatid ay sa ibang mesa. Magkakasalo naman ang mga Egipcio, sapagkat ikinahihiya nilang makasalo ang mga Hebreo. Kaharap ni Jose ang kanyang mga kapatid na sunod-sunod ang pagkaupo ayon sa gulang. Nagkatinginan sila at takang-taka sa gayong pagkakaayos ng kanilang upo. Idinudulot mula sa mesa ni Jose ang pagkain nila, at limang beses ang dami ng pagkaing idinulot kay Benjamin. Masaya silang kumain at nag-inuman. Inutusan ni Jose ang kanyang katiwala, “Punuin mo ng trigo ang kanilang mga sako at bago mo isara ay ilagay mo ang salaping ibinayad nila. At sa sako ng pinakabunso, ilagay mo pa ang aking kopang pilak.” Ginawa naman ng katiwala ang iniutos sa kanya. Kinabukasan, maaga pa'y umalis na ang magkakapatid, sakay ng kanilang mga asno. Hindi pa sila nakakalayo sa lunsod, inutusan ni Jose ang kanyang katiwala, “Habulin mo ang mga taong iyon, at sabihin mo sa kanila, ‘Bakit naman ginantihan ninyo ng masama ang kabutihang ipinakita namin sa inyo? Bakit ninyo ninakaw ang kopang pilak ng aking panginoon? Iyon ang iniinuman ng aking panginoon, at ginagamit din niya iyon sa panghuhula. Napakalaking kasalanan ang ginawa ninyong ito!’” Inabutan sila ng katiwala, at gayon nga ang sinabi sa kanila. Sumagot naman sila, “Ano pong ibig ninyong sabihin? Bakit kayo nagsalita ng ganyan? Ni sa isip ay hindi namin magagawa iyan! Nakita naman ninyo, nakarating na kami sa Canaan, gayunma'y ibinalik pa rin namin sa inyo ang salaping nakita namin sa loob ng aming sako. Bakit kami magnanakaw ng pilak o ginto sa tahanan ng inyong panginoon? Ginoo, kung makita po ninyo sa sinuman sa amin ang kopang sinasabi ninyo ay dapat mamatay, at alipinin ninyo kaming lahat.” “Mabuti,” tugon ng katiwala. “Kung kanino makita ang kopa, siya ang gagawing alipin; makakalaya na ang iba.” Ibinabâ nila ang kanilang mga sako at pinagbubuksan. Isa-isa itong hinalughog ng katiwala mula sa pinakamatanda hanggang sa pinakabata, at natagpuan ang kopa sa sako ni Benjamin. Pinunit nila ang kanilang damit sa tindi ng kalungkutan, ikinargang muli sa asno ang kanilang mga sako, at bumalik sa lunsod. Nasa bahay pa si Jose nang magbalik si Juda at ang kanyang mga kapatid. Pagdating doon, sila'y yumukod sa kanyang harapan. Sinabi ni Jose, “Ano itong ginawa ninyo? Hindi ba ninyo alam na marunong akong manghula? Wala kayong maitatago sa akin!” “Wala na po kaming masasabi,” sagot ni Juda. “Wala po kaming maikakatuwiran sa mga pangyayari. Diyos na po ang nagbunyag ng aming pagkakasala. Kaya, hindi lamang ang kinakitaan ng kopa, kundi lahat kami'y alipin na ninyo ngayon.” Sinabi ni Jose, “Hindi! Hindi ko gagawin iyon. Kung kanino nakita ang kopa, siya ang gagawin kong alipin; ang iba ay makakauwi na sa inyong ama.” Lumapit si Juda kay Jose at ang sabi, “Nakikiusap po ako, ginoo, kung inyong mamarapatin. Huwag sana ninyong ikagagalit. Ang turing ko sa inyo'y para na kayong Faraon. Ginoo, tinanong ninyo kung mayroon pa kaming ama at kapatid. Ang sabi po nami'y may ama kaming matanda na at bunsong kapatid na anak niya sa katandaan. Patay na ang kapatid nito at siya na lamang ang buháy na anak ng kanyang ina, kaya mahal na mahal siya ng aming ama. Iniutos ninyong dalhin namin siya rito upang inyong makita. Ipinaliwanag po naming mahirap ilayo sa aming ama ang bata sapagkat maaaring ikamatay niya ito. Ngunit ang sabi naman ninyo'y hindi na ninyo kami tatanggapin dito kung hindi namin siya maihaharap sa inyo. “Ang lahat ng ito'y sinabi namin sa aming ama nang umuwi kami. Muli kaming inutusan ng aming ama na pumarito upang bumili ng kaunting pagkain. Ipinaalala namin sa kanya na hindi ninyo kami tatanggapin kung hindi kasama ang bunso naming kapatid. Sinabi po niya sa amin, ‘Alam naman ninyong dalawa lamang ang anak ng kanilang ina. Wala na ang isa; maaaring siya'y niluray ng mabangis na hayop. At kung ang natitira ay isasama pa ninyo, maaaring mamatay ako sa dalamhati.’ “Ang buhay po ng aming ama ay karugtong na ng buhay ng bata, kaya kung babalik kami na hindi ito kasama, tiyak na siya'y mamamatay. Kapag nakita niyang hindi namin kasama ang bata, malalagutan siya ng hininga dahil sa kalungkutan. Ang isa pa'y itinaya ko ang aking buhay para sa bata. Sinabi ko po na kung siya'y hindi ko maibabalik, ako ang buntunan niya ng sisi. Kaya kung papayag kayo, ako na ang alipinin ninyo sa halip na itong aking bunsong kapatid. Pahintulutan na ninyong isama siya ng iba kong mga kapatid. Hindi po ako makakauwi kung hindi kasama si Benjamin. Hindi ko po makakayanan ang matinding dagok na darating sa aming ama, kung iyon ang mangyayari.” Hindi na mapigil ni Jose ang kanyang damdamin, kaya pinaalis niya ang kanyang mga tagapaglingkod na naroon. Nang sila na lamang ang naroon, ipinagtapat ni Jose sa kanyang mga kapatid kung sino siya. Sa lakas ng kanyang iyak, narinig siya ng mga Egipcio, kaya't ang balita'y mabilis na nakarating sa palasyo. “Ako si Jose!” ang pagtatapat niya sa kanyang mga kapatid. “Buháy pa bang talaga ang ating ama?” Nagulantang sila sa kanilang narinig at hindi nakasagot. “Lumapit kayo,” sabi ni Jose. Lumapit nga sila, at nagpatuloy siya ng pagsasalita, “Ako nga si Jose, ang inyong kapatid na ipinagbili ninyo sa Egipto. Ngunit huwag na ninyong ikalungkot ang nangyari. Huwag ninyong sisihin ang inyong sarili sa ginawa ninyo sa akin. Ang Diyos ang nagpadala sa akin dito upang iligtas ang maraming buhay. Dalawang taon pa lamang ang taggutom, limang taon pa ang darating at walang aanihin sa mga bukirin. Pinauna ako rito ng Diyos upang huwag malipol ang ating lahi. Kaya, hindi kayo kundi ang Diyos ang nagpadala sa akin dito. Ginawa niya akong tagapayo ng Faraon, tagapangasiwa ng kanyang sambahayan at tagapamahala ng buong Egipto.” Sinabi pa ni Jose, “Bumalik kayo agad sa ating ama at ibalita ninyo na ako ang pinapamahala ng Diyos sa buong Egipto. Sabihin ninyong pumarito agad siya sa lalong madaling panahon. Doon siya titira sa lupain ng Goshen para mapalapit sa akin. Ang lahat niyang mga anak, mga apo, mga tupa, kambing, baka at lahat ng inyong ari-arian ay kanyang dalhin. Doo'y mapangangalagaan ko kayo. Limang taon pa ang taggutom, at hindi ko gustong makita ang sinuman sa inyo na naghihirap. Kitang-kita ninyo ngayon, pati ikaw, Benjamin, na ako talaga si Jose. Ibalita ninyo sa ating ama ang taglay kong kapangyarihan dito sa Egipto, at ikuwento ninyo ang lahat ng inyong nakita. Hihintayin ko siya sa lalong madaling panahon.” Umiiyak niyang niyakap si Benjamin, at ito nama'y umiiyak ding yumakap kay Jose. Patuloy siyang umiiyak habang isa-isang hinahagkan ang ibang kapatid. Nakarating sa palasyo ang balita na ang mga kapatid ni Jose ay dumating. Ikinatuwa ito ng Faraon at ng kanyang mga kagawad. Sinabi ng Faraon kay Jose, “Pakargahan mo ng pagkain ang mga hayop ng iyong mga kapatid, at pabalikin mo sila sa Canaan. Sabihin mong dalhin dito ang inyong ama at ang buong sambahayan nila. Ibibigay ko sa kanila ang pinakamatabang lupain upang malasap nila ang masaganang pamumuhay rito. Sabihin mo ring magdala sila ng mga karwahe para magamit ng kani-kanilang asawa at mga anak paglipat sa Egipto. Huwag na nilang panghinayangang iwanan ang kanilang ari-arian doon, sapagkat ang pinakamabuting lupain dito ang ibibigay ko sa kanila.” Sinunod ng mga anak ni Israel ang utos na ito. Binigyan sila ni Jose ng mga sasakyan, gaya ng utos ng Faraon, at pinadalhan din ng pagkain sa kanilang paglalakbay. Ang bawat isa'y binigyan ng tig-iisang bihisan, maliban kay Benjamin. Lima ang kanyang bihisan at pinadalhan pa ng tatlong daang pirasong pilak. Pinadalhan niya ang kanyang ama ng pinakamabuting produkto ng Egipto, karga ng sampung asno. Sampung asno rin ang may kargang trigo, tinapay at iba't ibang pagkain upang may baon ang kanilang ama sa paglalakbay. Inutusan ni Jose na lumakad na ang kanyang mga kapatid ngunit bago umalis ay sinabi sa kanila, “Huwag na kayong magtatalu-talo sa daan.” Umalis nga sila sa Egipto at umuwi sa Canaan. Pagdating doo'y sinabi nila kay Jacob, “Ama, buháy pa po si Jose! Siya ngayon ang namamahala sa buong Egipto!” Natigilan si Jacob, at halos hindi siya makapaniwala sa balitang ito. Ngunit nang maisalaysay sa kanya ang bilin ni Jose at makita ang mga karwaheng ipinadala ni Jose, sumigla ang kanyang kalooban. “Salamat sa Diyos!” sabi ni Jacob. “Buháy pa pala ang aking anak! Pupuntahan ko siya bago ako mamatay.” Naglakbay nga si Israel, dala ang lahat niyang ari-arian. Pagdating sa Beer-seba, naghandog siya sa Diyos ng kanyang amang si Isaac. Pagsapit ng gabi, tinawag siya ng Diyos sa isang pangitain, “Jacob, Jacob!” “Narito po ako,” sagot niya. “Ako ang Diyos, ang Diyos ng iyong ama,” sabi sa kanya. “Huwag kang matakot na pumunta sa Egipto. Doon, ang lahi mo'y magiging isang malaking bansa. Sasamahan ko kayo roon at ibabalik muli rito. Nasa piling mo si Jose kapag ikaw ay namatay.” Mula sa Beer-seba'y naglakbay si Jacob. Siya, at ang kanyang mga apo at mga manugang ay isinakay ng kanyang mga anak sa mga karwaheng ipinadala ng Faraon. Dinala rin nila sa Egipto ang kanilang mga kawan at kagamitan mula sa Canaan. Kasama nga niya ang kanyang mga anak, mga manugang at mga apo. Ito ang talaan ng lahi ni Israel na nagpunta sa Egipto—si Jacob at ang kanyang mga anak at mga apo: si Ruben na kanyang panganay at ang mga anak nitong sina Enoc, Fallu, Hezron at Carmi; si Simeon at ang mga anak nitong sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jaquin, Zohar at si Saul na anak ng babaing taga-Canaan. Si Levi at ang mga anak nitong sina Gershon, Coat at Merari; si Juda at ang mga anak nitong sina Sela, Fares at Zara. Si Er at Onan ay namatay sa Canaan. Ang mga anak ni Fares na sina Hezron at Hamul. Si Isacar at ang mga anak nitong sina Tola, Pua, Job at Simron. Si Zebulun at ang mga anak nitong sina Sered, Elon at Jahleel. Ito ang mga anak at apo ni Jacob kay Lea na pawang ipinanganak sa Mesopotamia. Kabilang dito si Dina, ang anak na dalaga ni Jacob. Tatlumpu't tatlo silang lahat. Kasama rin dito si Gad at ang mga anak nito na sina Zifion, Hagui, Suni, Ezbon, Eri, Arodi at Areli; si Asher at ang mga anak nitong sina Jimna, Isua, Isui, Beria at ang babaing kapatid nilang si Sera. Ang mga anak ni Beria ay sina Heber at Malquiel. Ang mga anak at mga apo ni Jacob kay Zilpa, ang aliping ibinigay ni Laban kay Lea, ay labing-anim. Kabilang din sa talaang ito ang mga anak at mga apo ni Jacob kay Raquel: sina Jose at Benjamin; sina Manases at Efraim, mga anak ni Jose kay Asenat na anak ni Potifera na pari sa Heliopolis. Ang dalawang ito'y sa Egipto isinilang. Ang mga anak ni Benjamin ay sina Bela, Bequer, Asbel, Gera, Naaman, Ehi, Ros, Mupim, Hupim at Ard. Labing-apat ang mga anak at mga apo ni Jacob kay Raquel. Kabilang pa rin dito si Dan at ang bugtong niyang anak na si Husim; at si Neftali at ang mga anak nitong sina Jahzeel, Guni, Jeser at Silem. Pito ang mga anak at mga apo ni Jacob kay Bilha, ang aliping ibinigay ni Laban kay Raquel. Animnapu't anim ang mga anak at mga apo ni Jacob na nagpunta sa Egipto. Hindi kabilang dito ang kanyang mga manugang. Dalawa ang naging anak ni Jose sa Egipto, kaya ang kabuuang bilang ng sambahayan ni Jacob na natipon doon ay pitumpu. Si Juda ang isinugo ni Israel kay Jose upang siya'y salubungin. Dali-daling ipinahanda ni Jose ang sasakyan niya at sinalubong ang kanyang ama sa Goshen. Nang sila'y magkita, agad niyang niyakap ang kanyang ama, at matagal na umiyak. Sinabi naman ni Israel, “Ngayo'y handa na akong mamatay sapagkat nakita na kitang buháy.” Sinabi ni Jose sa kanyang mga kapatid at sa buong sambahayan ni Jacob, “Ibabalita ko sa Faraon na dumating na kayo buhat sa Canaan. Sasabihin kong kayo'y mga pastol; dala ninyo ang inyong mga kawan, at lahat ninyong ari-arian. Kung ipatawag kayo ng Faraon at tanungin kung ano ang inyong gawain, sabihin ninyong kayo'y nag-aalaga na ng mga baka buhat sa pagkabata, tulad ng inyong mga ninuno. Sa gayon, maaari kayong manirahan sa lupaing ito.” Sinabi niya ito sapagkat ang mga taga-Egipto'y namumuhi sa mga pastol. Tinanong sila ng Faraon, “Ano ang trabaho ninyo?” “Kami po'y mga pastol, tulad ng aming mga ninuno,” tugon nila. “Nakarating po kami rito sapagkat sa amin sa Canaan ay wala na kaming mapagpastulan. Kung maaari po, doon na ninyo kami patirahin sa lupain ng Goshen.” Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ngayong narito na ang iyong ama at mga kapatid, at ikaw naman ang namamahala sa buong Egipto, ibigay mo sa kanila ang pinakamainam na lupain. Doon mo sila patirahin sa Goshen. Kung may mapipili kang mahuhusay na pastol, sila ang pamahalain mo sa aking mga kawan.” Isinama ni Jose ang kanyang ama sa palasyo at pagdating doo'y binasbasan ni Jacob ang Faraon. “Ilang taon na kayo?” tanong ng Faraon kay Jacob. Sumagot siya, “Umabot na po sa 130 taon ang aking pagpapalipat-lipat ng tahanan. Maikli at mahirap ang aking naging buhay dito sa lupa. Malayung-malayo sa naging buhay ng aking mga ninuno.” Matapos magpaalam sa Faraon, umalis na si Jacob. Sa utos ng Faraon, ibinigay ni Jose sa kanyang ama at mga kapatid ang pinakamabuting lupain ng Rameses sa bansang Egipto. Ang buong sambahayan ni Jacob hanggang sa kaliit-liitan ay kinalinga ni Jose. Nang maubos na ang pagkain sa buong Canaan at Egipto, at ang mga tao'y hirap na hirap na sa gutom, kay Jose bumibili ng pagkain ang lahat. Iniipon naman ni Jose ang pinagbilhan at dinadala sa kabang-yaman ng Faraon. Dumating ang panahong wala nang maibayad ang mga tao, kaya't sinabi nila kay Jose, “Mamamatay kami ng gutom, bigyan mo kami ng pagkain.” Kaya't sinabi ni Jose, “Kung wala na kayong salapi, palitan na lang ninyo ng hayop ang pagkaing ibibigay ko sa inyo.” At gayon nga ang kanilang ginawa; ipinagpalit nila ang kanilang mga kabayo, tupa, kambing, baka at asno sa pagkaing kinukuha nila. Isang taon silang binibigyan ni Jose ng pagkain bilang kapalit ng mga hayop. Nang sumunod na taon, lumapit na naman sa kanya ang mga tao. Sinabi nila, “Hindi namin maikakaila sa inyong kamahalan na ngayo'y ubos na ang lahat naming salapi at mga alagang hayop. Wala na pong nalalabi sa amin kundi ang aming katawan at bukirin. “Kaya, tulungan naman ninyo kami; huwag ninyo kaming hayaang mamatay sa gutom at mapabayaan ang aming lupain. Bigyan ninyo kami ng makakain at binhing pananim nang kami'y huwag mamatay. Payag na po kaming maging alipin ng Faraon at ibenta sa kanya ang aming lupain.” Nangyari nga ito, kaya't nakuha ni Jose para sa Faraon ang lahat ng lupain ng mga taga-Egipto dahil sa tindi ng taggutom noon. Ang lahat ng tao sa Egipto ay ginawa ni Jose na mga alipin ng Faraon. Ang hindi lamang nabili ni Jose ay ang lupain ng mga pari, sapagkat ang mga ito ay may sapat na sustento ng Faraon. Sinabi ni Jose sa mga tao, “Ngayo'y nabili ko na kayo at ang inyong mga lupain para sa Faraon. Bibigyan ko kayo ng binhing itatanim. Ibibigay ninyo sa Faraon ang ikalimang bahagi ng inyong aanihin. Inyo na ang nalalabi para muling itanim at maging pagkain ng inyong pamilya.” Sumagot ang mga tao, “Napakabuti ninyo sa amin; iniligtas ninyo kami. Handa po kaming maglingkod sa Faraon.” Mula noon, ginawang batas ni Jose sa lupain ng Egipto na ang ikalimang bahagi ng ani ay para sa Faraon. Umiiral pa hanggang ngayon ang batas na ito maliban sa lupa ng mga pari, sapagkat ito'y hindi saklaw ng Faraon. Nanirahan nga ang mga Israelita sa lupain ng Goshen sa Egipto. Yumaman sila roon at dumami ang kanilang lahi. Labimpitong taóng tumira roon si Jacob at umabot siya ng 147 taon. Nang maramdaman niyang malapit na siyang mamatay, tinawag niya si Jose at sinabi, “Ilagay mo sa pagitan ng aking mga hita ang iyong kamay at ipangako mong magiging tapat ka sa akin, at hindi mo ako ililibing sa Egipto. Ilabas mo ako sa Egipto at isama mo ako sa libingan ng aking mga magulang.” “Masusunod po ang nais ninyo,” sagot ni Jose. Sinabi ni Jacob, “Kung gayon, sumumpa ka sa akin.” Nanumpa nga si Jose, at si Jacob ay yumuko sa may ulunan ng higaan at nanalangin. Nabalitaan ni Jose na may sakit ang kanyang ama, kaya't isinama niya ang dalawang anak na lalaki, sina Manases at Efraim, at dinalaw ang matanda. Nang sabihin kay Jacob na dumating si Jose, nagpilit siyang bumangon at naupo sa kanyang higaan. Sinabi niya kay Jose, “Nang ako'y nasa Luz, nagpakita sa akin ang Makapangyarihang Diyos at binasbasan ako. Sinabi niya na darami ang aking mga anak at ang aking lahi ay magiging isang malaking bansa, at ibibigay niya sa kanila ang lupaing iyon habang panahon. Ang dalawa mong anak na isinilang dito sa Egipto bago ako dumating ay ibibilang sa aking mga anak. Kaya, tulad nina Ruben at Simeon, sina Efraim at Manases ay magiging tagapagmana ko rin. Ngunit ang susunod mong mga anak ay mananatiling iyo at ibibilang na lamang sa lipi ng dalawa nilang kapatid. Ipinasiya ko ito alang-alang kay Raquel na iyong ina. Nang pabalik ako buhat sa Mesopotamia, namatay siya sa Canaan, malapit sa Efrata. At dinamdam ko nang labis ang kanyang pagpanaw. Doon ko na siya inilibing.” (Ang Efrata ay tinatawag ngayong Bethlehem.) Nang makita ni Israel ang mga anak ni Jose, tinanong ito, “Ito ba ang iyong mga anak?” “Opo! Sila po ang ipinagkaloob sa akin ng Diyos dito sa Egipto,” tugon niya. Sinabi ni Israel, “Ilapit mo sila sa akin at babasbasan ko.” Halos hindi na makakita noon si Israel dahil sa kanyang katandaan. Inilapit nga ni Jose ang mga bata at sila'y niyakap at hinagkan ng matanda. Sinabi ni Jacob kay Jose, “Wala na akong pag-asa noon na makikita pa kita. Ngayon, nakita ko pati iyong mga anak.” Inalis ni Jose ang mga bata sa kandungan ni Israel at yumuko siya sa harapan nito. Pagkatapos, inilapit niya sa matanda ang dalawang bata, si Efraim sa gawing kaliwa at si Manases sa gawing kanan nito. Ngunit pinagkurus ni Israel ang kanyang kamay at ipinatong ang kanan sa ulo ng nakababatang si Efraim at ang kaliwa sa ulo ni Manases. At sila'y binasbasan, “Pagpalain nawa kayo at palaging subaybayan, ng Diyos na pinaglingkuran ni Isaac at ni Abraham; ng Diyos na sa aki'y nangalaga't pumatnubay, simula sa pagkabata't magpahanggang ngayon man. At pati na ang anghel na sa akin ay nagligtas, pagpalain nawa kayo, tanggapin ang kanyang basbas; maingatan nawa ninyo at taglayin oras-oras ang ngalan ko, at ang ngalan ni Abraham at ni Isaac. Nawa kayo ay lumago, dumami at lumaganap.” Nang makita ni Jose ang ginawa ng kanyang ama, minasama niya iyon kaya't hinawakan niya ang kanang kamay nito upang ilipat sa ulo ni Manases. Wika niya, “Ito po ang matanda, ama. Sa kanya ninyo ipatong ang inyong kanang kamay.” Ngunit sinabi ni Jacob, “Alam ko iyan, anak, alam ko. Alam kong magiging dakila si Manases, pati ang kanyang mga anak, ngunit lalong magiging dakila ang nakababata niyang kapatid. Ang kanyang lahi ay magiging dakilang mga bansa.” Sinabi pa niya ito: “Ang mga Israelita, sa Diyos ay hihilingin, dahil kayo'y pinagpala, sila ma'y pagpalain din. Sa kanilang kahilingan, ganito ang sasabihin: ‘Kayo nawa ay matulad kay Efraim at Manases.’” Sa ganitong paraan ginawa ni Jacob na una si Efraim kay Manases. Pagkatapos nito, sinabi ni Israel, “Jose, ako'y mamamatay na ngunit huwag kang mababahala. Sasamahan ka ng Diyos at kayo'y ibabalik niya sa lupain ng inyong mga ninuno. Ikaw ang tanging magmamana ng Shekem na nakuha ko sa mga Amoreo sa pamamagitan ng aking tabak at pana.” Ipinatawag ni Jacob ang kanyang mga anak at sinabi, “Lumapit kayo sa akin, at sasabihin ko sa inyo ang mangyayari sa inyo sa hinaharap: “Kayo mga anak, magsilapit sa akin, akong inyong ama ay sumandaling dinggin. “Si Ruben ang aking panganay na anak, sa lahat kong supling ay pinakamalakas; mapusok ang loob, baha ang katulad, bawat madaanan ay sumasambulat. Sa kabila nito'y hindi ka sisikat, hindi mangunguna, hindi matatanyag; pagkat ang ama mo ay iyong hinamak, dangal ng aliping-asawa ko ay iyong winasak. “Simeon at Levi na magkapatid, ang sandata ninyo'y ipinanlulupig; sa usapan ninyo'y di ako sasali, sa inyong gawain, hindi babahagi. Kapag nagagalit agad pumapatay, lumpo pati hayop kung makatuwaan. Kayo'y susumpain, sa bangis at galit, sa ugali ninyo na mapagmalabis; kayo'y magkawatak-watak sa buong lupain, sa buong Israel ay pangangalatin. “Ikaw naman, Juda, ay papupurihan niyong mga anak ng ina mong mahal, hawak mo sa leeg ang iyong kaaway, lahat mong kapatid sa iyo'y gagalang. Mabangis na leon ang iyong larawan, muling nagkukubli matapos pumatay; ang tulad ni Juda'y leong nahihimlay, walang mangangahas lumapit sinuman. Setrong sagisag ng lakas at kapangyarihan sa kanya kailanma'y hindi lilisan; mga bansa sa kanya'y magkakaloob, mga angkan sa kanya'y maglilingkod. Batang asno niya doon natatali, sa puno ng ubas na tanging pinili; mga damit niya'y doon nilalabhan, sa alak ng ubas na lubhang matapang. Mata'y namumula dahilan sa alak, ngipi'y pumuputi sa inuming gatas. “Sa baybaying-dagat doon ka, Zebulun, ang sasakyang-dagat sa iyo kakanlong; ang iyong lupai'y aabot sa Sidon. “Malakas na asno ang katulad mo, Isacar, ngunit sa kulungan ka maglulumagak. Nang kanyang makita iyong pahingahan, ang lupain doo'y tunay na mainam, tiniis na niyang makuba sa pasan, nagpaalipin na kahit mahirapan. “Si Dan ay magiging isang pangunahin, katulad ng ibang pinuno ng Israel. Ahas na mabagsik sa tabi ng daan, na handang tumuklaw sa kabayong daraan; upang maihulog iyong taong sakay. “Sa pagliligtas mo, O Diyos, ako'y maghihintay. “Haharangin si Gad ng mga tulisan, lalabanan niya at magtatakbuhan. “Ang bukid ni Asher ay pag-aanihan ng mga pagkain ng taong marangal. “Si Neftali naman ay tulad ng usa, malaya't ang dalang balita'y maganda. “Si Jose nama'y baging na mabunga. Sa tabi ng bukal nakatanim siya, paakyat sa pader ang pagtubo niya. Mga mangangaso ang nagpapahirap, hinahabol siya ng palaso't sibat. Subalit ang iyong busog ay mananatiling malakas, ang iyong mga bisig ay palalakasin, ang dahilan nito'y ang Diyos ni Jacob, pastol ng Israel, matibay na muog. Diyos ng iyong ama'y siyang sasaklolo, ang Makapangyarihang Diyos magbabasbas saiyo. Magbuhat sa langit, bubuhos ang ulan, malalim na tubig sa lupa'y bubukal; dibdib na malusog, pati bahay-bata'y pagpapalain di't kanyang babasbasan. Darami ang ani, bulaklak gayon din, maalamat na bundok ay pagpapalain; pati mga burol magkakamit-aliw. Pagpapalang ito nawa ay makamit ni Joseng nawalay sa mga kapatid. “Tulad ni Benjami'y lobong pumapatay, sumisila ito ng inaalmusal. Kung gabi, ang huli'y pinaghahatian.” Ito ang labindalawang anak ni Israel, at gayon sila binasbasan ng kanilang ama ayon sa basbas na angkop sa kanila. Pagkatapos, sinabi ni Jacob sa kanyang mga anak, “Ngayo'y papanaw na ako upang makasama ng mga ninunong namayapa na. Doon ninyo ako ililibing sa pinaglibingan sa aking mga magulang, sa yungib sa bukid ni Efron na Heteo. Ang libingang iyo'y nasa Macpela, sa silangan ng Mamre, sa may Canaan. Binili iyon ni Abraham, at doon siya inilibing pati ang kanyang asawang si Sara. Doon din inilibing ang mag-asawang Isaac at Rebeca, at doon ko rin inilibing si Lea. Ang bukid at yungib na iyon ay binili nga sa mga Heteo.” Matapos masabi ang lahat ng ito, siya ay humimlay at namatay. Niyakap ni Jose ang kanyang ama at umiiyak na hinagkan. Pagkatapos, inutusan niya ang kanyang mga manggagamot na embalsamuhin ang bangkay. Ayon sa kaugalian ng mga Egipcio, apatnapung araw ang ginugol nila sa paggawa nito. Pitumpung araw na nagluksa ang bansang Egipto. Pagkatapos ng pagluluksa, sinabi ni Jose sa mga kagawad ng Faraon, “Pakisabi nga ninyo sa Faraon na hiniling ng aking ama bago namatay na doon ko siya ilibing sa libingan na kanyang inihanda sa Canaan. At aking naipangakong susundin ko ang kanyang bilin. Kaya, humihingi ako ng pahintulot na dalhin ko roon ang kanyang bangkay at babalik agad ako pagkatapos.” Sumagot ang Faraon, “Lumakad ka na at ilibing mo ang iyong ama ayon sa iyong pangako sa kanya.” Sumama kay Jose para makipaglibing ang lahat ng kagawad ng Faraon, ang mga may matataas na katungkulan sa palasyo at ang mga kilalang mamamayan sa buong Egipto. Kasama rin ni Jose ang kanyang mga kapatid at ang buong sambahayan ng kanyang ama. Ang naiwan lamang sa Goshen ay ang maliliit na bata, mga kawan ng tupa, kambing at baka. May mga nangangabayo, may mga sakay sa karwahe—talagang napakarami nila. Pagsapit nila sa giikan sa Atad, sa silangan ng Ilog Jordan, huminto muna sila. Nagdaos sila roon ng luksang-parangal sa yumao, at pitong araw na nagdalamhati roon si Jose. Nasaksihan ng mga taga-Canaan ang ginawang pagpaparangal na ito, kaya't nasabi nila, “Ganito palang magluksa ang mga taga-Egipto!” Dahil dito'y tinawag na Abelmizraim ang lugar na iyon. Sinunod nga ng mga anak ni Jacob ang hiling ng kanilang ama. Dinala nila sa Canaan ang bangkay at doon inilibing sa yungib na nasa kaparangan ng Macpela, silangan ng Mamre, na binili ni Abraham kay Efron na Heteo. Matapos ilibing ang ama, si Jose'y nagbalik sa Egipto, kasama ang kanyang mga kapatid at lahat ng kasama sa paglilibing. Mula nang mamatay ang kanilang ama, nag-alala na ang mga kapatid ni Jose. Sabi nila, “Paano kung galit pa sa atin si Jose at gantihan tayo sa kalupitang ginawa natin sa kanya?” Nagpasugo sila kay Jose at ipinasabi ang ganito: “Bago namatay ang ating ama, ipinagbilin niya na sabihin ito sa iyo, ‘Nakikiusap ako na patawarin mo na ang iyong mga kapatid sa ginawa nila sa iyo.’ Kaya naman ngayon, nagsusumamo kami sa iyo na patawarin mo kaming mga lingkod ng Diyos ng iyong ama.” Napaiyak si Jose nang marinig ito. Lumapit lahat ang kanyang mga kapatid at yumuko sa harapan niya. “Kami'y mga alipin mo,” wika nila. Ngunit sinabi ni Jose, “Huwag kayong matakot! Maaari ko bang palitan ang Diyos? Masama nga ang inyong ginawa sa akin, subalit ipinahintulot iyon ng Diyos para sa kabutihan, at dahil doo'y naligtas ang marami ngayon. Kaya, huwag na kayong mag-alala. Ako ang bahala sa inyo at sa inyong mga anak.” Napanatag ang kanilang kalooban sa mga sinabing ito ni Jose. Nanatili nga si Jose sa Egipto kasama ang kanyang mga kapatid. Umabot siya ng 110 taon bago namatay. Inabot pa siya ng mga apo ni Efraim, gayundin ng mga apo niya kay Maquir na anak ni Manases. Sinabi niya sa kanyang mga kapatid, “Malapit na akong mamatay, ngunit huwag kayong mag-alala. Iingatan kayo ng Diyos at ibabalik sa lupaing ipinangako niya kina Abraham, Isaac at Jacob.” Pagkatapos, ipinagbilin niya sa mga Israelita ang gagawin sa kanyang bangkay. Wika niya, “Isumpa ninyo sa akin na kapag kayo'y inilabas na ng Diyos sa lupaing ito, dadalhin ninyo ang aking mga buto.” Namatay nga si Jose sa gulang na 110 taon. Siya'y inembalsamo sa Egipto at inilagay sa isang kabaong. Ito ang mga anak ni Jacob na kasama niyang pumunta sa Egipto, kasama ang kani-kanilang sambahayan: sina Ruben, Simeon, Levi, Juda, Isacar, Zebulun, Benjamin, Dan, Neftali, Gad at Asher; silang lahat ay pitumpu. Si Jose ay matagal nang nasa Egipto noon. Paglipas ng panahon, namatay si Jose, ang kanyang mga kapatid at ang kanilang salinlahi. Ngunit mabilis ang pagdami ng mga Israelita kaya't sila'y naging makapangyarihan at halos napuno nila ang buong lupain. Lumipas ang panahon at nagkaroon ang Egipto ng ibang hari na hindi nakakakilala kay Jose. Sinabi niya sa kanyang mga kababayan, “Nanganganib tayo sa mga Israelita. Sila'y patuloy na dumarami at lumalakas kaysa atin. Kailangang gumawa tayo ng paraan upang mapigil ang kanilang pagdami. Baka salakayin tayo ng ating mga kaaway at kumampi pa sila sa mga ito, at pagkatapos ay tumakas sa ating lupain.” Kaya't naglagay sila ng mababagsik na tagapangasiwa upang pahirapan ang mga Israelita; ipinagawa ng Faraon sa mga ito ang mga Lunsod ng Pitom at Rameses, mga lunsod na imbakan ng mga pagkain at kagamitan. Ngunit habang inaapi, ang mga ito ay lalo namang dumarami at naninirahan ang mga Israelita sa iba't ibang bayan kaya't sila'y kinatakutan ng mga Egipcio. Dahil dito, ang mga Israelita'y lalong walang awang pinahirapan ng mga Egipcio sa paggawa ng tisa at ng iba't ibang mabibigat na gawaing bukid. Isang araw, ipinatawag ng Faraon sina Sifra at Pua, ang mga komadronang Hebreo at sinabihan nang ganito: “Sa pagpapaanak ninyo sa mga Hebrea, patayin ninyo kung lalaki ang sanggol, at hayaan ninyong mabuhay kung babae.” Ngunit dahil sa takot nila sa Diyos, hindi sinunod ng mga komadrona ang utos ng hari; hindi nila pinapatay ang mga sanggol na lalaki. Dahil dito'y ipinatawag sila ng hari at tinanong, “Bakit hindi ninyo pinapatay ang mga sanggol na lalaking isinisilang ng mga Hebrea?” “Mangyari po, iba ang mga Hebrea sa mga Egipcia. Madali po silang manganak kaya naisilang na ang sanggol pagdating namin,” sagot nila. Kaya't patuloy na dumami at lumakas ang mga Israelita. Ang mga komadrona naman ay kinalugdan ng Diyos. Sila'y pinagkalooban niya ng mga sariling pamilya. Iniutos naman ng Faraon sa lahat ng kanyang nasasakupan na itapon sa Ilog Nilo ang lahat ng lalaking isisilang ng mga Hebrea at hayaan namang mabuhay ang mga babae. May mag-asawang buhat sa lipi ni Levi na nagkaanak ng isang lalaki. Napakaganda ng bata kaya't tatlong buwan itong itinago ng ina. Nang hindi na siya maaaring itago pa, kumuha ang kanyang ina ng isang basket na yari sa tangkay ng tambo at pinahiran ng alkitran upang hindi pasukin ng tubig. Pagkatapos, inilagay niya rito ang sanggol at inilagay sa talahiban sa may pampang ng ilog. Ang kapatid na babae naman ng sanggol ay tumayo sa di kalayuan upang tingnan kung ano ang mangyayari. Maliligo noon sa ilog ang anak na babae ng Faraon. Natanaw niya ang basket kaya't ito'y ipinakuha niya sa isa sa kanyang mga katulong na naglalakad-lakad naman sa tabing ilog. Nang maiabot sa kanya ang basket, inalis niya ang takip nito at nakita ang batang umiiyak. Naawa siya at kanyang nasabi, “Ito'y anak ng isang Hebrea.” Ang kapatid naman ng bata ay lumapit sa prinsesa at kanyang sinabi, “Kung gusto po ninyo, ihahanap ko kayo ng isang Hebreang mag-aalaga sa sanggol na iyan.” “Sige, ihanap mo ako,” sagot ng prinsesa. Umalis ang batang babae at tinawag ang mismong ina ng bata. Nang dumating ito, sinabi ng prinsesa, “Alagaan mo ang sanggol na ito at uupahan kita.” Kinuha ng ina ang sanggol at inalagaan. Nang malaki na ang bata, dinala siya ng kanyang ina sa prinsesa, at siya'y itinuring na anak nito. Sinabi niya, “Iniahon ko siya sa tubig, kaya Moises ang ipapangalan ko sa kanya.” Nang binata na si Moises, dinalaw niya ang kanyang mga kababayan at nakita niya ang hirap na tinitiis ng mga ito dahil sa mabibigat na gawain. Nakita pa niyang sinasaktan ng isang Egipcio ang isang Hebreo. Tumitingin-tingin siya sa paligid. Nang wala siyang makitang tao, pinatay niya ang Egipcio at tinabunan ito ng buhangin. Nagbalik siya kinabukasan at may nakita siyang dalawang Hebreong nag-aaway. Tinanong niya ang may kasalanan, “Bakit mo sinasaktan ang kapwa mo Hebreo?” “Sino ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihang mangasiwa at humatol sa amin? Papatayin mo rin ba ako, tulad ng ginawa mo sa Egipcio?” tanong nito sa kanya. Natakot si Moises nang marinig niya ito at noon niya nabatid na may nakakita pala sa ginawa niya sa Egipcio. Nakarating ang balita kay Faraon kaya ibig niyang ipapatay si Moises, ngunit ito'y nakatakas at nakarating sa Midian. Pagdating sa Midian, naupo siya sa tabi ng isang balon. Dumating naman ang pitong anak na babae ng pari roon upang sumalok ng tubig at painumin ang kawan ng kanilang ama. Ngunit may dumating na mga pastol at itinaboy sila. Nakita ni Moises ang pangyayari kaya sinaklolohan niya ang mga babae at tinulungang magpainom sa kawan. Maagang nakauwi ang mga babae, kaya tinanong sila ng kanilang amang si Reuel, “Bakit maaga kayo ngayon?” “Mangyari po, ipinagtanggol kami ng isang Egipcio laban sa mga pastol. Isinalok niya kami ng tubig at pagkatapos pinainom pa niya ang kawan,” sagot nila. “Nasaan siya? Bakit di ninyo isinama rito at nang makasalo natin sa pagkain?” tanong ng ama. At ipinatawag nga si Moises. Mula noon, doon na nanirahan si Moises at ipinakasal sa kanya ni Jetro ang anak nitong si Zipora. Dumating ang araw na si Zipora'y nanganak ng isang lalaki. Sabi ni Moises, “Ako'y dayuhan sa lupang ito, kaya tatawagin kong Gersom ang batang ito.” Pagkalipas ng mahabang panahon, namatay ang Faraon ngunit dumaraing pa rin ang mga Israelita sa patuloy na pang-aalipin sa kanila ng mga Egipcio. Narinig ng Diyos ang kanilang daing at naalala niya ang ginawa niyang kasunduan kina Abraham, Isaac at Jacob. Nakita niya ang kalagayan ng mga Israelita at siya'y nahabag sa kanila. Samantala, habang nagpapastol si Moises ng kawan ng biyenan niyang si Jetro na pari sa Midian, itinawid niya ang kawan sa gawing kanluran ng disyerto at nakarating siya sa Sinai, ang Bundok ng Diyos. Doon, ang anghel ni Yahweh ay nagpakita sa kanya na parang apoy na nagmumula sa gitna ng isang mababang punongkahoy. Kitang-kita ni Moises na nagliliyab ang puno ngunit hindi nasusunog. Kaya't nasabi niya sa kanyang sarili, “Nakakapagtaka naman ito! Titingnan ko ngang mabuti kung bakit hindi iyon natutupok gayong nagliliyab.” Nang lalapit na si Moises, tinawag siya ni Yahweh buhat sa nagliliyab na punongkahoy, “Moises, Moises.” “Ano po iyon?” sagot niya. Sinabi ng Diyos, “Huwag kang lumapit. Hubarin mo ang iyong sandalyas sapagkat banal na lugar ang kinatatayuan mo. Ako ang Diyos na sinamba ng iyong mga ninuno, ang Diyos ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob.” Tinakpan ni Moises ang kanyang mukha sapagkat natatakot siyang tumingin sa Diyos. Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Nakita kong labis na pinahihirapan ng mga Egipcio ang aking bayan. Alam ko ang hirap na kanilang tinitiis at narinig ko ang kanilang pagdaing. Kaya't bumabâ ako upang sila'y iligtas, ilabas sa Egipto at ihatid sa lupaing mainam, malawak, mayaman, at sagana sa lahat ng bagay. Ito'y ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita at Jebuseo. Naririnig ko nga ang pagdaing ng aking bayan at nakikita ko ang pang-aaping ginagawa sa kanila ng mga Egipcio. Kaya't papupuntahin kita sa Faraon upang ilabas mo sa Egipto ang aking bayang Israel.” Sumagot si Moises, “Sino po ako para humarap sa Faraon at ilabas ang bayang Israel mula sa Egipto?” “Huwag kang mag-alala, hindi kita pababayaan. At ito ang magiging katibayan na ako ang nagsugo sa iyo: sa bundok ding ito sasambahin ninyo ako kapag nailabas mo na sa Egipto ang aking bayan,” sabi ng Diyos. Sinabi ni Moises, “Pupunta ako sa mga Israelita at sasabihin sa kanilang ako'y sinugo ng Diyos ng aming ninuno. Ngunit ano po ang sasabihin ko kung itanong nila kung sino ang nagsugo sa akin?” Sinabi ng Diyos, “Ako'y si Ako Nga. Sabihin mo sa mga Israelita na sinugo ka ng Diyos na ang pangalan ay ‘Ako Nga’. Sabihin mo sa kanila na sinugo ka ni Yahweh, ng Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob. At ito ang pangalang itatawag nila sa akin magpakailanman. Lumakad ka na at tipunin mo ang mga pinuno ng Israel. Sabihin mo sa kanilang nagpakita ako sa iyo, akong si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Sabihin mong ako'y bumabâ at nakita ko ang ginagawa sa kanila ng mga Egipcio. Dahil dito, ilalabas ko sila sa bansang iyon na nagpapahirap sa kanila. Dadalhin ko sila sa isang mayaman at masaganang lupain; ang lupain ng mga Cananeo, ng mga Heteo, ng mga Amoreo, ng mga Perezeo, ng mga Hivita at ng mga Jebuseo. “Papakinggan ka ng aking bayan. Pagkatapos, isama mo ang mga pinuno ng Israel at pumunta kayo sa Faraon. Sabihin mong si Yahweh, ang Diyos ng mga Hebreo, ay nagpakita sa iyo at kayo'y maglalakbay ng tatlong araw papunta sa ilang upang maghandog sa akin. Alam kong hindi siya papayag hangga't hindi siya ginagamitan ng kamay na bakal. Kaya't paparusahan ko ang buong Egipto sa pamamagitan ng mga kababalaghan. Pagkatapos, papayagan na niya kayong umalis.” Idinugtong pa ng Diyos, “Pagagaanin ko sa inyo ang loob ng mga Egipcio upang may madala kayo pag-alis. Ang inyong mga kababaihan ay manghihingi ng damit, alahas na ginto o pilak sa kanilang mga Egipciong kapitbahay at sa sinumang Egipciong babaing kasama nila sa bahay. Ipasusuot ninyo ang mga ito sa inyong mga anak. Sa ganitong paraan ay mapapasa-inyo ang ari-arian ng mga Egipcio.” Itinanong ni Moises, “Anong gagawin ko kung hindi makinig sa akin ang mga Israelita at hindi maniwalang nagpakita kayo sa akin?” “Ano iyang hawak mo?” tanong sa kanya ni Yahweh. “Tungkod po,” sagot ni Moises. “Ihagis mo sa lupa!” utos ni Yahweh. Inihagis nga ito ni Moises sa lupa at ito'y naging ahas, kaya't siya'y tumakbong palayo. Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Hawakan mo sa buntot ang ahas.” Hinawakan nga ni Moises at ito'y naging tungkod muli. “Ganyan ang gagawin mo para maniwala silang nagpakita ako sa iyo, ang Diyos ng inyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob,” sabi ni Yahweh. “Ipasok mo ang iyong kamay sa damit mo, sa tapat ng iyong dibdib,” utos ni Yahweh. Gayon nga ang ginawa ni Moises at nang ilabas niya, ito'y nagkaroon ng sakit sa balat na parang ketong na kasimputi ng niyebe. “Ipasok mo uli,” utos ni Yahweh at sumunod naman si Moises. Nang ilabas niyang muli ang kanyang kamay, nagbalik na ito sa dati. Sinabi ng Diyos, “Kung ayaw ka pa nilang paniwalaan sa unang kababalaghan, malamang na paniniwalaan ka na nila sa ikalawa. Kung ayaw pa rin nilang makinig sa iyo, kumuha ka ng tubig sa Ilog Nilo, ibuhos mo sa lupa at ang tubig na iyon ay magiging dugo.” Sinabi ni Moises kay Yahweh, “Panginoon, sa mula't mula pa'y hindi po ako mahusay magsalita. Bagama't nangusap ka na sa akin, hanggang ngayo'y pautal-utal pa rin ako kung magsalita.” Sinabi ni Yahweh, “Sino ba ang gumagawa sa bibig ng tao? Sino ang may kapangyarihan para maging bingi o pipi ang isang tao? At sino rin ba ang nagbibigay ng paningin at nag-aalis nito? Hindi ba't akong si Yahweh? Kaya nga, lumakad ka na at tutulungan kita sa pagsasalita at ituturo ko sa iyo ang iyong sasabihin.” “Yahweh, maaari po bang iba na lang ang inyong suguin?” sagot ni Moises. Dahil dito, nagalit si Yahweh kay Moises. Sinabi niya, “Hindi ba kapatid mo ang Levitang si Aaron? Alam kong mahusay siyang magsalita. Darating siya at makikipagkita sa iyo; matutuwa siya sa pagkikita ninyo. Kausapin mo siya at sabihin mo ang lahat ng dapat niyang sabihin. Tutulungan ko kayo sa pagsasalita at ituturo ko sa inyo ang inyong dapat gawin. Siya ang magiging tagapagsalita mo sa mga tao at ikaw ang magiging tagapagsalita ng Diyos na magsasabi naman sa kanya kung ano ang sasabihin niya. Dalhin mo ang iyong tungkod sapagkat iyan ang gagamitin mo sa paggawa ng mga kababalaghan.” Umuwi si Moises upang magpaalam sa biyenan niyang si Jetro. Sinabi niya, “Babalik po ako sa Egipto. Dadalawin ko po ang aking mga kamag-anak doon para malaman ko naman kung buháy pa sila.” Pumayag naman si Jetro. Matapos magpaalam, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Magbalik ka na sa Egipto sapagkat patay nang lahat ang mga taong ibig pumatay sa iyo.” Kaya, isinakay niya sa mga asno ang kanyang asawa't mga anak at naglakbay sila patungong Egipto; dala niya ang kanyang tungkod. Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Pagdating mo sa Egipto, gawin mo sa harapan ng Faraon ang mga kababalaghang ipinagagawa ko sa iyo. Binigyan kita ng kapangyarihang gawin ang mga ito. Ngunit patitigasin ko ang puso niya upang hindi niya payagang umalis ang mga tao. Kung magkagayon, ganito ang sabihin mo sa kanya: ‘Ipinapasabi ni Yahweh, Ang Israel ay aking anak na panganay. Payagan mo siyang umalis para sumamba sa akin. Kapag hindi mo pinayagan, papatayin ko ang iyong panganay.’” Isang gabi, samantalang namamahinga sina Moises sa kanilang paglalakbay patungong Egipto, nilapitan siya ni Yahweh at pinagtangkaang patayin. Kaya't kumuha si Zipora ng isang matalim na bato at tinuli ang kanyang anak. Pagkatapos, ipinahid niya sa mga paa ni Moises ang pinagtulian, saka sinabi, “Tunay ngang asawa na kita sa pamamagitan ng dugo ng pagtutuli.” Dahil dito, hinayaan ni Yahweh na mabuhay pa si Moises. Kaya, sinabi ni Zipora kay Moises, “Naging asawa kita sa pamamagitan ng dugo ng pagtutuli.” Samantala, sinabi ni Yahweh kay Aaron, “Salubungin mo sa ilang si Moises.” Sinalubong nga niya si Moises sa Bundok ng Diyos at hinagkan niya nang sila'y magkita. Sinabi ni Moises kay Aaron ang lahat ng sinabi sa kanya ni Yahweh, pati ang mga kababalaghang ipinagagawa sa kanya. At magkasama silang lumakad upang tipunin ang mga pinuno ng Israel. Lahat ng sinabi ni Yahweh kay Moises ay sinabi ni Aaron sa kanila. Pagkatapos, gumawa si Moises ng kababalaghan sa harapan nila at naniwala ang buong bayan. Nang marinig nilang sila'y dinalaw ni Yahweh at hindi lingid sa kanya ang pang-aaping ginagawa sa kanila ng mga Egipcio, yumuko sila at sumamba kay Yahweh. Pagkatapos nito, nagpunta sa Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, na payagan ninyong pumunta sa ilang ang kanyang bayang Israel upang magpista bilang parangal sa kanya.” “Sinong Yahweh? Sino siyang mag-uutos sa akin na payagan kong umalis ang mga Israelita? Wala akong kilalang Yahweh. Hindi! Hindi ko papayagang umalis ang mga Israelita,” sagot ng Faraon. Sinabi nila, “Nagpakita po sa amin ang Diyos naming mga Hebreo kaya isinasamo naming payagan na ninyo kaming maglakbay nang tatlong araw papunta sa ilang upang maghandog kay Yahweh na aming Diyos. Kung hindi, lilipulin niya kami sa pamamagitan ng sakit o digmaan.” Sinabi ng hari ng Egipto kina Moises at Aaron, “At bakit ninyo ilalayo ang mga tao sa kanilang trabaho? Bumalik kayo ngayon din sa inyong mga trabaho. Mas marami na nga ang mga Hebreo kaysa mga Egipcio, nais pa ninyong tumigil sa pagtatrabaho?” sabi sa kanila ng Faraon. Nang araw ding iyon, ipinatawag ng Faraon ang mga tagapangasiwang Egipcio at ang mga kapatas na Israelita. Sinabi niya, “Huwag na ninyo silang bibigyan ng dayaming ginagamit sa paggawa ng tisa. Hayaan ninyong sila ang manguha ng gagamitin nila. At ang dami ng gagawin nila ay tulad din ng dati; huwag babawasan kahit isa. Tinatamad lang ang mga iyan kaya nagpapaalam na maghandog sa kanilang Diyos. Lalo ninyong damihan ang kanilang gawain at lalo silang higpitan sa pagtatrabaho para hindi sila makapakinig ng kung anu-anong kasinungalingan.” Pagkasabi nito ng Faraon, lumakad ang mga tagapangasiwang Egipcio at ang mga kapatas. Sinabi nila sa mga tao, “Ipinapasabi ng Faraon na hindi na kayo bibigyan ng dayami. Kayo na ang bahalang manguha ng kailangan ninyo kung saan mayroon, at ang tisang gagawin ninyo araw-araw ay sindami rin ng dati.” Ginalugad ng mga Israelita ang buong Egipto sa paghahanap ng dayami. Sila'y inaapura ng mga tagapangasiwa at pilit na pinagagawa ng tisang sindami rin noong sila'y binibigyan pa ng dayami. Kapag kulang ang kanilang nagawa, ang mga kapatas na Israelita ay binubugbog ng mga tagapangasiwa, at tinatanong: “Bakit kakaunti ang nagawa ninyo ngayon?” Dahil dito, pumunta sa Faraon ang mga kapatas at nagreklamo, “Bakit po naman ninyo kami ginaganito? Pinagagawa pa po kami ng tisa ngunit hindi na binibigyan ng dayami. At ngayon po'y binubugbog pa kami, gayong ang mga tauhan ninyo ang may pagkukulang!” Sinabi ng Faraon, “Mga batugan! Tinatamad lang kayo kaya ninyo hinihiling sa akin na payagan kayong maghandog kay Yahweh. Sige, magbalik na kayo sa inyong trabaho. Hindi kayo bibigyan ng dayami, at ang gagawin ninyong tisa ay sindami pa rin ng dati ninyong ginagawa.” Nakita ng mga kapatas ang hirap ng kanilang katayuan nang sabihin sa kanilang sindami rin ng dati ang kanilang gagawin. Pag-uwi nila mula sa pakikipag-usap sa Faraon, nakita nila sa daan sina Moises at Aaron na naghihintay sa kanila. Sinabi nila sa dalawa, “Parusahan sana kayo ni Yahweh. Dahil sa ginawa ninyong ito, nagalit sa amin ang Faraon at ang mga tauhan niya. Binigyan pa ninyo sila ng dahilang patayin kami.” Kaya, nanalangin si Moises, “Yahweh, bakit po ninyo pinahihirapan ng ganito ang inyong bayan? Bakit pa ninyo ako sinugo kung ganito rin lamang ang mangyayari? Mula nang makipag-usap ako sa Faraon ay lalo niyang pinahirapan ang inyong bayan, ngunit wala kayong ginagawa upang tulungan sila.” Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Makikita mo ngayon kung ano ang gagawin ko sa Faraon. Hindi lamang siya mapipilitang pumayag na kayo'y umalis, ipagtatabuyan pa niya kayo.” Sinabi ng Diyos kay Moises, “Ako si Yahweh. Nagpakita ako kina Abraham, Isaac at Jacob bilang Makapangyarihang Diyos ngunit hindi ako nagpakilala sa kanila sa pangalang Yahweh. Gumawa ako ng kasunduan sa kanila at nangako akong ibibigay sa kanila ang Canaan, ang lupaing tinirhan nila noon bilang mga dayuhan. Narinig ko ang daing ng bayang Israel na inaalipin ng mga Egipcio, at hindi ko nalilimutan ang ginawa kong kasunduan sa kanilang mga ninuno. Kaya ito ang sabihin mo sa mga Israelita: ‘Ako si Yahweh. Ililigtas ko kayo sa pagpapahirap ng mga Egipcio. Ipadarama ko sa kanila ang bigat ng aking kamay; paparusahan ko sila at kayo'y palalayain ko mula sa pagkaalipin. Ituturing ko kayong aking sariling bayan at ako ang magiging Diyos ninyo. At makikilala ninyong ako si Yahweh, ang inyong Diyos, ang nagligtas sa inyo sa pagpapahirap ng mga Egipcio. Dadalhin ko kayo sa lupaing ipinangako ko kina Abraham, Isaac at Jacob at iyon ay ibibigay ko sa inyo. Ako si Yahweh.’” Sinabi ito ni Moises sa mga Israelita, ngunit ayaw na nilang maniwala dahil sa panghihina ng loob at dahil sa matinding kahirapang kanilang dinaranas. Nang muli silang mag-usap, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumunta ka sa Faraon, at sabihin mong payagan nang umalis ang mga Israelita.” “Kung ang mga Israelita ay ayaw makinig sa akin, ang Faraon pa kaya? Ako'y hindi mahusay magsalita.” sagot ni Moises. Ngunit sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Sabihin ninyo sa mga Israelita at sa Faraon na inatasan ko kayo na ilabas sa Egipto ang mga Israelita.” Ito ang mga puno ng pinagmulang angkan nina Moises at Aaron: ang kay Ruben na siyang panganay ni Israel ay sina Enoc, Fallu, Hezron at Carmi. Ang kay Simeon ay sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jaquin, Zohar at Saul na anak ng isang Cananea. Kay Levi naman ay sina Gershon, Kohat at Merari. Si Levi ay nabuhay nang 137 taon. Ang naging anak naman ni Gershon ay sina Libni at Seimei. Ang kay Kohat naman ay sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. Nabuhay si Kohat nang 133 taon. Naging anak ni Merari sina Mahali at Musi. Ito ang mga angkan sa lipi ni Levi. Napangasawa ni Amram si Jocebed na kapatid ng kanyang ama at naging anak nila sina Aaron at Moises. Si Amram ay nabuhay nang 137 taon. Naging anak ni Izar sina Korah, Nefeg at Zicri. Ang mga anak naman ni Uziel ay sina Misael, Elzafan at Sitri. Napangasawa ni Aaron si Elisabet na kapatid ni Naason at anak ni Aminadab. Naging anak nila sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. Ang mga anak ni Korah ay sina Asir, Elcana at Abiasaf. Ito ang mga angkan sa lipi ni Korah. Napangasawa ni Eleazar na anak ni Aaron ang isang anak ni Futiel at naging anak nila si Finehas. Ito ang mga puno ng angkan ng mga Levita ayon sa kani-kanilang lipi. Sina Aaron at Moises ang inutusan ni Yahweh na manguna sa Israel upang mailabas sila sa Egipto ayon sa kani-kanilang lipi. Kaya't sinabi nila sa Faraon na palayain ang mga Israelita. Nang si Moises ay kausapin ni Yahweh sa Egipto, ganito ang sinabi sa kanya: “Ako si Yahweh. Sabihin mo sa Faraon, sa hari ng Egipto, ang lahat ng sinabi ko sa iyo.” Ngunit sumagot si Moises, “Paano ako papakinggan ng Faraon gayong hindi ako mahusay magsalita?” Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Gagawin kitang parang Diyos sa harapan ng Faraon, at ang kapatid mong si Aaron ang magiging tagapagsalita mo. Lahat ng sabihin ko sa iyo ay sasabihin mo kay Aaron; siya naman ang magsasabi sa Faraon na payagan na kayong umalis ng Egipto. Ngunit patitigasin ko ang puso ng Faraon, at gumawa man ako ng maraming kababalaghan sa Egipto ay hindi siya makikinig sa iyo. Kung magkagayon ipadarama ko sa kanila ang bigat ng aking kamay. Paparusahan ko ang buong Egipto at ilalabas ko mula roon ang aking mga hukbo, ang aking bayan, ang mga Israelita. Makikilala ng mga Egipcio na ako si Yahweh kapag natikman nila ang bigat ng aking kamay at inilabas ko na sa Egipto ang mga Israelita.” At ginawa nina Moises at Aaron ang lahat ng iniutos ni Yahweh. Walumpung taon si Moises at walumpu't tatlo naman si Aaron nang makipag-usap sila sa Faraon. Sinabi pa ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Kapag sinabi sa inyo ng Faraon na magpakita kayo ng kababalaghan bilang katunayan ng pagkasugo ko sa inyo, sabihin mo kay Aaron na ihagis ang kanyang tungkod sa harapan ng Faraon at magiging ahas iyon.” Nagpunta nga sila sa Faraon tulad ng sinabi ni Yahweh. Pagdating doon, inihagis ni Aaron ang kanyang tungkod sa harapan ng Faraon at ng mga tauhan nito. At naging ahas nga ang tungkod. Kaya ipinatawag ng Faraon ang mga matatalinong tao at mga salamangkero at sa pamamagitan ng kanilang lihim na karunungan ay ipinagaya ang ginawa ni Aaron. Inihagis nila sa lupa ang kanilang mga tungkod at naging ahas din, ngunit ang mga ito'y nilulon ng tungkod ni Aaron. Gayunma'y nagmatigas pa rin ang Faraon at hindi nakinig kina Moises at Aaron, gaya ng sinabi ni Yahweh. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Nagmamatigas ang Faraon. Ayaw pa ring paalisin ang mga Israelita. Kaya, bukas ng umaga, dalhin mo ang tungkod na naging ahas, at hintayin mo ang Faraon pagpunta niya sa tabing ilog. Sabihin mo sa kanya ang ganito, ‘Pinapunta ako rito ni Yahweh, ang Diyos ng mga Hebreo upang sabihin sa iyo na payagan mong umalis ang kanyang bayang Israel at sumamba sa kanya sa ilang. Hanggang ngayon ay ayaw mo pa ring sumunod. Ngunit tiyak na kikilalanin mo si Yahweh sa pamamagitan nitong gagawin niya. Tingnan mo, ihahampas ko sa Ilog Nilo ang tungkod na ito at magiging dugo ang tubig at mamamatay ang mga isda. Dahil dito, babaho ang ilog at hindi maiinom ng mga Egipcio ang tubig nito.’” Idinugtong pa ni Yahweh, “Pagkatapos, sabihin mo kay Aaron na itaas ang kanyang tungkod at sumpain ang lahat ng tubig sa Egipto. Ang lahat ng tubig sa mga ilog, kanal at lawa ay magiging dugo, pati ang nasa mga batya at tapayan.” Ginawa nina Moises at Aaron ang iniutos sa kanila ni Yahweh. Sa harapan ng Faraon at ng mga tauhan nito ay inihampas ni Aaron sa tubig ang kanyang tungkod at naging dugo nga ang tubig. Namatay ang mga isda at bumaho ang ilog, kaya't hindi mainom ng mga Egipcio ang tubig nito. Naging dugo rin ang lahat ng tubig sa buong Egipto. Ngunit nagaya rin ito ng mga salamangkerong Egipcio sa pamamagitan ng kanilang lihim na karunungan kaya't lalong nagmatigas ang Faraon. Ayaw pa rin niyang pakinggan sina Moises at Aaron, tulad ng sinabi ni Yahweh. Ang ginawa nila'y hindi pinansin ng Faraon, umuwi na lang ito sa palasyo. Samantala, ang mga Egipcio ay humukay sa tabing ilog upang kumuha ng inumin sapagkat hindi nila mainom ang tubig sa ilog. At lumipas ang pitong araw mula nang hampasin ni Yahweh ang tubig. Pagkaraan noon, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumunta ka sa Faraon. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Payagan mo nang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin. Ikaw, ang iyong mga tauhan, at ang buong bayan ay pahihirapan nito.” Sinabi pa ni Yahweh, “Sabihin mo naman kay Aaron na itapat niya sa ilog ang kanyang tungkod, gayon din sa mga kanal at mga lawa upang mapuno ng palaka ang buong Egipto.” Ganoon nga ang ginawa ni Aaron. Umahon sa ilog ang mga palakang di mabilang sa dami at kumalat sa buong Egipto. Ngunit nagaya rin ito ng mga salamangkero sa pamamagitan ng kanilang lihim na karunungan. Ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Hilingin ninyo kay Yahweh na alisin ang mga palakang ito at papayagan ko na kayong maghandog sa kanya.” Sinabi ni Moises, “Karangalan kong malaman kung kailan ninyo nais na idalangin ko kayo kay Yahweh, pati ang inyong mga tauhan at nasasakupan. At mawawala na ang mga palaka, maliban ang mga nasa ilog.” “Bukas kung ganoon,” sabi ng Faraon. “Matutupad po ayon sa inyong sinabi para malaman ninyo na walang kapantay ang Diyos naming si Yahweh. Mawawala ang mga palaka at ang matitira lamang ay ang nasa ilog.” Lumakad na sina Moises at Aaron. At tulad ng pangako nila, idinalangin ni Moises na alisin ang mga palakang nagpapahirap sa Faraon. Tinugon naman siya ni Yahweh; namatay lahat ang mga palaka sa mga bahay at mga bukid. Ibinunton ng mga Egipcio ang mga patay na palaka at umaalingasaw ang baho nito sa buong Egipto. Ngunit nagmatigas muli ang Faraon nang ito'y makahinga na naman nang maluwag. At tulad ng sinabi ni Yahweh, hindi pa rin siya nakinig kina Moises at Aaron. Inutusan ni Yahweh si Moises na sabihin kay Aaron na ihampas sa lupa ang tungkod upang maging niknik ang lahat ng alikabok sa buong Egipto. Inihampas nga ni Aaron ang tungkod at ang lahat ng alikabok sa buong Egipto ay naging niknik na labis na nagpahirap sa mga tao't mga hayop. Pinilit ng mga salamangkero na magpalitaw rin ng niknik sa pamamagitan ng lihim nilang karunungan ngunit hindi nila ito nagawa. At ang mga tao't hayop ay patuloy na pinahirapan ng mga niknik. Dahil dito'y sinabi ng mga salamangkero sa Faraon, “Diyos na ang may gawa nito.” Ngunit hindi rin natinag ang kalooban ng Faraon; hindi rin siya nakinig kina Moises at Aaron, tulad ng sinabi ni Yahweh. Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bukas ng umaga, hintayin mo ang Faraon pagpunta niya sa ilog at sabihin mong payagan na niyang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin. Kapag hindi niya pinayagan, padadagsaan ko siya ng makapal na langaw, pati ang kanyang mga tauhan at mga kababayan. Mapupuno ng langaw ang mga bahay ng mga Egipcio, pati ang lupang kanilang lalakaran. Ngunit ililigtas ko ang lupain ng Goshen, ang tirahan ng mga Israelita. Hindi ko sila padadalhan ni isa mang langaw para malaman niyang akong si Yahweh ang siyang makapangyarihan sa lupaing ito. Sa pamamagitan ng kababalaghang gagawin ko bukas, ipapakita ko na iba ang pagtingin ko sa aking bayan at sa kanyang bayan.” Kinabukasan, ginawa nga ito ni Yahweh. Dumagsa sa Egipto ang makapal na langaw hanggang sa mapuno ang palasyo ng Faraon, ang bahay ng mga tauhan niya at ang buong Egipto. Dahil dito'y nasalanta ang buong bansa. Kaya, ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron at sinabi, “Sige, maghandog na kayo sa inyong Diyos, huwag lamang kayong lalabas ng Egipto.” Sumagot si Moises, “Hindi po maaaring dito sa Egipto. Magagalit po sa amin ang mga Egipcio kapag nakita nila kaming naghahandog kay Yahweh sa paraang kasuklam-suklam sa kanila. Tiyak na babatuhin nila kami hanggang mamatay. Ang kailangan po'y maglakbay kami ng tatlong araw at sa ilang kami maghahandog kay Yahweh tulad ng utos niya sa amin.” Sinabi ng Faraon, “Papayagan ko kayong umalis, ngunit huwag kayong masyadong lalayo. At ipanalangin din ninyo ako.” Sumagot si Moises, “Pag-alis ko po rito'y ipapanalangin ko kay Yahweh na alisin sa inyo ang mga langaw, gayon din sa inyong mga tauhan at nasasakupan. Ngunit huwag na ninyo kaming dadayain; huwag ninyo kaming hahadlangan sa paghahandog namin kay Yahweh.” Umalis si Moises at nanalangin. Tinugon naman siya ni Yahweh, at umalis nga ang mga langaw; walang natira ni isa man. Ngunit nagmatigas pa rin ang Faraon; hindi niya pinayagang umalis ang mga Israelita. Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumunta ka sa Faraon at sabihin mong ipinapasabi ni Yahweh, ng Diyos ng mga Hebreo, na payagan na niyang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin. Kapag pinigil pa niya kayo, paparusahan ko ng kakila-kilabot na salot ang kanyang mga hayop: ang mga kabayo, asno, kamelyo, baka, tupa at kambing. Mamamatay ang lahat ng mga hayop ng mga Egipcio, ngunit isa mang hayop ng mga Israelita ay walang mamamatay. Naitakda ko na ang oras, bukas ito mangyayari.” Kinabukasan, ginawa nga ni Yahweh ang kanyang sinabi at namatay ang lahat ng hayop ng mga Egipcio, ngunit kahit isa'y walang namatay sa hayop ng mga Israelita. At nang patingnan ng Faraon, wala ngang namatay sa mga hayop ng mga Israelita. Ngunit nagmatigas pa rin ito at ayaw pa ring payagan ang mga Israelita. Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Dumakot kayo ng abo sa pugon at ito'y pataas na ihahagis ni Moises na nakikita ng Faraon. Mapupuno ng pinong alikabok ang buong Egipto at ang lahat ng tao at hayop sa lupain ay matatadtad ng mga pigsang nagnanaknak.” Kumuha nga sila ng abo sa pugon at pumunta sa Faraon. Pagdating doon, pataas na inihagis ni Moises ang abo at natadtad nga ng mga pigsang nagnanaknak ang mga tao't mga hayop sa buong Egipto. Ang mga salamangkero'y hindi na nakaharap kay Moises sapagkat sila ma'y tadtad rin ng mga pigsang nagnanaknak. Samantala, ang Faraon ay pinagmatigas pa rin ni Yahweh. Hindi nito pinansin ang mga Israelita, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Moises. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bukas ng umagang-umaga, pumunta ka sa Faraon. Sabihin mong iniuutos ko na payagan na niyang sumamba sa akin ang mga Israelita. Kapag hindi pa siya pumayag, magpapadala ako ng matinding salot sa kanya, sa kanyang mga tauhan at nasasakupan, upang malaman nilang ako'y walang katulad sa buong daigdig. Kung siya at ang buong bayan ay pinadalhan ko agad ng salot na sakit, sana'y patay na silang lahat. Ngunit hindi ko ginawa iyon upang ipakita sa kanya ang aking kapangyarihan at sa gayo'y maipahayag ang aking pangalan sa buong daigdig. Ngunit hanggang ngayo'y hinahadlangan pa niya ang aking bayan, at ayaw pa rin niyang payagang umalis. Kaya, bukas sa ganitong oras, pauulanan ko sila ng malalaking tipak ng yelo na walang kasinlakas sa buong kasaysayan ng Egipto. Pasilungin mo ang lahat ng tao at isilong ang lahat ng hayop, sapagkat lahat ng bagsakan nito ay mamamatay.” Ang ibang tauhan ng Faraon ay natakot sa ipinasabi ni Yahweh kaya pinasilong nila ang kanilang mga alipin at mga hayop ngunit ipinagwalang-bahala ito ng iba at hinayaan nila sa labas ang kanilang mga alipin at mga hayop. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Iunat mong pataas ang iyong kamay at uulan ng malalaking tipak ng yelo sa buong Egipto, at babagsak ito sa mga tao't mga hayop na nasa labas, pati sa mga halaman.” Itinaas nga ni Moises ang kanyang tungkod. Gumuhit ang kidlat, dumagundong ang kulog at umulan ng malalaking tipak ng yelo sa buong Egipto. Malakas na malakas ang pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo at sunod-sunod ang pagkidlat. Ito ang pinakamalakas na pag-ulan ng yelo sa kasaysayan ng Egipto. Bumagsak ito sa buong Egipto at namatay ang lahat ng hindi nakasilong, maging tao man o hayop. Nasalanta ang lahat ng mabagsakan, pati mga halaman at mga punongkahoy. Ngunit ang Goshen na tinitirhan ng mga Israelita ay hindi naulanan ng yelong ito. Kaya, ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Tinatanggap ko ngayon na nagkasala ako kay Yahweh. Siya ang matuwid at kami ng aking mga kababayan ang mali. Ipanalangin ninyo kami sa kanya sapagkat hirap na hirap na kami sa pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo at sa malalakas na kulog. Ipinapangako kong kayo'y papayagan ko nang umalis sa lalong madaling panahon.” Sinabi ni Moises, “Pagkalabas ko ng lunsod, mananalangin ako kay Yahweh. Mawawala ang mga kulog at titigil ang pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo. Sa gayo'y malalaman ninyo na si Yahweh ang siyang may-ari ng daigdig, kahit alam kong kayo at ang inyong mga tauhan ay hindi pa natatakot sa Panginoong Yahweh.” Ang mga tanim na lino at ang mga sebada ay sirang-sira sapagkat may uhay na ang sebada at namumulaklak na ang lino. Ngunit hindi napinsala ang trigo at ang espelta sapagkat huling tumubo ang mga ito. Umalis si Moises at lumabas ng lunsod. Nanalangin siya kay Yahweh at tumigil ang kulog, ang ulan at ang pagbagsak ng malalaking tipak ng yelo. Nang makita ng Faraon na tumigil na ang ulan at wala nang kulog, nagmatigas na naman siya. Dahil dito, muli siyang nagkasala pati ang kanyang mga tauhan. Lalo siyang nagmatigas sa pagpigil sa mga Israelita, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Moises. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumunta ka sa Faraon. Pinagmatigas ko ang kanyang kalooban at ng kanyang mga tauhan para maipakita ko sa kanila ang aking kapangyarihan. Ginagawa ko ang mga kababalaghang ito upang masabi ninyo sa inyong mga anak at apo kung paano ko ipinakita sa mga Egipcio ang aking kapangyarihan at sa gayo'y kikilalanin ninyong lahat na ako si Yahweh.” Pumunta sa Faraon sina Moises at Aaron at sinabi, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Hanggang kailan ka ba magmamatigas? Payagan mo nang umalis ang mga Israelita upang sumamba sa akin. Kapag hindi mo pa sila pinayagan, bukas na bukas din ay magpapadala ako ng makapal na balang sa iyong bansa. Mapupuno nito ang buong Egipto, kaya't wala kang makikita kundi balang. Uubusin nito ang lahat ng hindi nasira sa pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo, pati ang mga punongkahoy. Papasukin ng mga ito ang iyong palasyo at ang bahay ng iyong mga tauhan at mga nasasakupan. Ang salot na ito ay higit na matindi kaysa alinmang salot ng balang na naranasan ng inyong mga ninuno.’” Pagkasabi nito'y umalis si Moises. Sinabi sa Faraon ng kanyang mga tauhan, “Hanggang kailan pa kaya tayo guguluhin ng taong ito? Payagan na ninyo silang umalis upang sumamba sa Diyos nilang si Yahweh. Hindi ba ninyo nakikitang nawawasak na ang buong Egipto?” Kaya't ipinasundo ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Kung papayagan ko kayong umalis upang sumamba kay Yahweh, sinu-sino ang inyong isasama?” Sumagot si Moises, “Lahat po kami, mula sa pinakabata hanggang sa pinakamatanda. Dadalhin din naming lahat ang aming mga tupa, kambing at mga baka. Kailangan pong kasamang lahat sapagkat ipagpipista namin si Yahweh.” Sinabi ng Faraon, “Tawagin na ninyo si Yahweh, hindi ko papayagang isama ninyo ang inyong mga asawa't mga anak. Maliwanag na may binabalak kayong masama. Hindi ako papayag na isama ninyo ang lahat, kayo na lang mga lalaki ang umalis upang sumamba sa inyong Yahweh kung iyan ang gusto ninyo.” Pagkasabi nito'y ipinagtabuyan sila ng Faraon. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Iunat mong pataas ang iyong kamay at dadagsa sa buong Egipto ang makapal na balang. Uubusin ng mga ito ang mga halamang hindi nasira sa pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo.” Itinaas nga ni Moises ang kanyang tungkod. Maghapo't magdamag na pinaihip ni Yahweh sa buong Egipto ang hangin mula sa silangan. Kinaumagahan, tangay na ng hangin ang makapal na balang at ito'y dumagsa sa buong Egipto. Kailanma'y hindi nagkaroon ng ganoon karaming balang sa lupaing ito at hindi na magkakaroon pang muli. Nangitim ang lupa sa dami ng balang; inubos ng mga ito ang lahat ng halaman, pati mga bunga ng kahoy na hindi nasira sa pag-ulan ng malalaking tipak ng yelo. Walang halaman o punongkahoy na naiwang may dahon sa buong lupain. Dali-daling ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron. Sinabi niya, “Nagkasala ako kay Yahweh na inyong Diyos, gayundin sa inyo. Patawarin ninyo ako at ipinapakiusap kong ipanalangin ninyo kay Yahweh na alisin na sa akin ang nakamamatay na parusang ito.” Iniwan ni Moises ang Faraon at siya'y nanalangin. Binago naman ni Yahweh ang takbo ng hangin. Pinaihip niya ang malakas na hangin mula sa kanluran at tinangay nito ang lahat ng balang papunta sa Dagat na Pula; isa ma'y walang natira sa Egipto. Ngunit pinagmatigas ni Yahweh ang Faraon; hindi nito pinayagang umalis ang mga Israelita. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Iunat mong pataas ang iyong kamay, at mababalot ng dilim ang buong Egipto.” Ganoon nga ang ginawa ni Moises at nagdilim sa buong lupain sa loob ng tatlong araw. Hindi magkakitaan ang mga tao sa buong Egipto, kaya't walang taong umalis sa kanyang kinaroroonan sa loob ng tatlong araw. Madilim na madilim sa buong Egipto maliban sa tirahan ng mga Israelita. Tinawag ng Faraon si Moises. Sinabi niya, “Makakaalis na kayo upang sumamba kay Yahweh. Maaari ninyong isama ang inyong mga pamilya, ngunit iiwan ninyo ang lahat ng tupa, kambing at baka.” Sumagot si Moises, “Hindi po maaari. Kailangang bigyan ninyo kami ng mga hayop na ihahandog namin kay Yahweh na aming Diyos. Kaya kailangang dalhin din namin ang lahat naming hayop at wala ni isa mang maiiwan sapagkat pipiliin pa namin sa mga ito ang ihahandog namin kay Yahweh. At hindi namin malalaman kung alin ang ihahandog namin sa kanya hanggang hindi kami dumarating sa lugar na pagdarausan namin ng pagsamba.” Pinagmatigas pa rin ni Yahweh ang Faraon; ayaw na naman niyang paalisin ang mga Israelita. Sinabi niya kay Moises, “Lumayas ka na at huwag ka nang magpapakita sa akin. Ipapapatay na kita kapag nakita ko pa ang pagmumukha mo.” “Masusunod ang gusto ninyo,” sagot ni Moises. “Hindi mo na ako muling makikita.” Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Isa na lamang salot ang ipadadala ko sa Faraon at sa buong Egipto at papayagan na niya kayong umalis. Hindi lamang niya kayo papayagang umalis; ipagtatabuyan pa niya kayo. Sabihin mo sa mga Israelita, babae man o lalaki, na humingi sila ng mga alahas na pilak o ginto sa kanilang mga kapitbahay.” Niloob ni Yahweh na igalang ng mga Egipcio ang mga Israelita. Sa katunayan, si Moises ay dinakila sa buong Egipto, maging ng mga tauhan ng Faraon at ng buong bayan. Sinabi ni Moises sa Faraon, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Pagdating ng hatinggabi, maglalakad ako sa buong Egipto, at mamamatay ang lahat ng panganay na lalaki, mula sa anak na magmamana ng trono ng Faraon, hanggang sa panganay na anak ng hamak na aliping babae na tagagiling ng trigo; pati panganay ng mga hayop ay mamamatay. Walang maririnig sa buong Egipto kundi ang malakas na panaghoy na hindi pa naririnig at hindi na maririnig kailanman. Ngunit ang mga Israelita, maging ang kanilang mga hayop, ay hindi man lamang tatahulan ng aso upang kilalanin mo na may pagkakaiba ang pagtingin ni Yahweh sa mga Israelita at sa mga Egipcio.’ Lahat ng tauhan mo'y luluhod sa akin at magsasabi: ‘Lumayas na kayo ng mga kababayan mo.’ Pagkatapos nito'y aalis ako.” Pagkasabi nito'y galit na galit na iniwan ni Moises ang Faraon. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Hindi ka papakinggan ng Faraon kaya't gagawa pa ako ng mga kababalaghan sa Egipto.” Ginawa nina Moises at Aaron ang lahat ng kababalaghang ito, ngunit hindi rin pumayag ang Faraon na umalis ang mga Israelita sa lupain ng Egipto. Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron sa Egipto, “Mula ngayon, ang buwang ito ang siyang magiging unang buwan ng taon para sa inyo. At sabihin ninyo sa buong sambayanan ng Israel na sa ikasampung araw ng buwang ito, bawat pamilya ay pipili ng isang tupa o batang kambing para sa kanila. Kung maliit ang pamilya at hindi makakaubos ng isang buong tupa, magsasalo sila ng malapit na kapitbahay, na hindi rin makakaubos ng isang buo. Ang dami ng magsasalu-salo sa isang tupa ay ibabatay sa dami ng makakain ng bawat isa. Kailangang lalaki ang tupa o ang kambing, isang taóng gulang, walang kapintasan. Aalagaan ito hanggang sa ikalabing apat ng buwan at sa kinagabihan, sabay-sabay na papatayin ng buong bayan ang kani-kanilang inalagaang hayop. Kukuha sila ng dugo nito at ipapahid sa magkabilang poste at itaas ng pintuan ng bahay na kakainan ng kinatay na hayop. Sa gabi ring iyon, lilitsunin ito at kakaining kasama ng tinapay na walang pampaalsa at ng mapapait na gulay. Huwag ninyong kakainin nang hilaw o nilaga ang hayop; kundi lilitsunin ninyo ito nang buo, kasama ang ulo, ang mga pata at ang laman-loob. Huwag kayong magtitira para sa kinabukasan. Kung may matira, kailangang sunugin kinaumagahan. Kapag kakainin na ninyo ito, dapat nakabihis na kayo, nakasandalyas at may hawak na tungkod. Magmadali kayo sa pagkain nito. Ito ang Paskwa ni Yahweh. “Sa gabing iyon, lilibutin ko ang buong Egipto at papatayin ang lahat ng panganay na lalaki, maging tao man o hayop. At paparusahan ko ang lahat ng diyus-diyosan sa Egipto. Ako si Yahweh. Dugo ang magsisilbing palatandaan ng mga bahay na inyong tinitirhan. Lahat ng bahay na makita kong may pahid ng dugo ay lalampasan ko, at walang pinsalang mangyayari sa inyo habang pinaparusahan ko ang buong Egipto. Ang araw na ito'y ipagdiriwang ninyo sa lahat ng inyong salinlahi bilang pista ni Yahweh. Sa pamamagitan nito'y maaalala ninyo ang aking ginawa. “Pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa. Sa unang araw pa lamang, aalisin ninyo sa inyong tahanan ang lahat ng pampaalsa, sapagkat ititiwalag ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa sa loob ng pitong araw na iyon. Sa una at ikapitong araw ay magtitipun-tipon kayo upang sumamba. Sa loob ng dalawang araw na ito ay walang gagawa ng anuman liban sa paghahanda ng pagkain. Ang pagdiriwang ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa ay gaganapin ninyo taun-taon sapagkat sa araw na ito, inilabas ko sa Egipto ang inyong mga lipi. Ito'y gagawin ninyo sa habang panahon ng inyong mga salinlahi. Tinapay na walang pampaalsa ang inyong kakainin simula sa gabi ng ikalabing apat na araw hanggang sa gabi ng ikadalawampu't isa ng unang buwan ng taon. Sa loob ng pitong araw, hindi dapat magkaroon ng pampaalsa sa inyong mga bahay. Ititiwalag sa sambayanan ng Israel ang sinumang kumain ng tinapay na may pampaalsa, maging siya'y dayuhan o purong Israelita. Saanman kayo naroroon, huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa tuwing ganitong panahon. Ang kakainin ninyo'y tinapay na walang pampaalsa.” Tinawag nga ni Moises ang mga pinuno ng Israel at sinabi sa kanila, “Pumili kayo ng isang tupa para sa inyong sari-sariling pamilya at katayin ninyo ito para sa Paskwa. Kumuha kayo ng sanga ng halamang hisopo, basain ito ng dugo ng tupa at ipahid sa magkabilang poste at itaas ng inyong pintuan. At isa man sa inyo ay huwag lalabas ng bahay hanggang kinabukasan. Sa gabing iyon, lilibutin ni Yahweh ang buong Egipto at papatayin ang mga Egipcio. Lahat ng bahay na makita niyang may pahid na dugo sa magkabilang poste at itaas ng pintuan ay hindi niya hahayaang pasukin ng Anghel ng Kamatayan. Sundin ninyo ang mga tuntuning ito at palagiang ganapin, pati ng inyong mga anak. Patuloy ninyong ganapin ito maging sa lupaing ipinangako sa inyo ni Yahweh. Kapag itinanong ng inyong mga anak kung bakit ninyo ginagawa ito, sabihin ninyong ito'y pag-aalaala sa Paskwa ni Yahweh nang lampasan niya ang bahay ng mga Israelita at patayin niya ang mga Egipcio.” Nang masabi ito ni Moises, yumuko ang buong bayan at sumamba sa Diyos. Pagkatapos, umuwi na sila at isinagawa ang iniutos ni Yahweh sa pamamagitan nina Moises at Aaron. Nang hating-gabing iyon, pinatay ni Yahweh ang lahat ng panganay na lalaki sa buong Egipto, mula sa panganay ng Faraon at tagapagmana ng trono, hanggang sa anak ng bilanggong nasa piitan; namatay din ang panganay ng mga hayop. Nang gabing iyon, nagising ang Faraon, ang kanyang mga tauhan at lahat ng Egipcio, at nagkaroon ng napakalakas na iyakan sa buong Egipto, sapagkat lahat ng bahay ay namatayan ng panganay na lalaki. Nang gabi ring iyo'y ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron at kanyang sinabi, “Sige, umalis na kayo sa Egipto! Lumakad na kayo at sumamba kay Yahweh tulad ng hinihiling ninyo. Dalhin na ninyo pati inyong mga tupa, kambing at baka. Umalis na kayo at ipanalangin din ninyo ako.” Inapura sila ng mga Egipcio at sinabi sa kanila, “Mamamatay kaming lahat kapag hindi pa kayo umalis dito.” Kaya, binalot nila ng damit ang minamasang harina na di na nalagyan ng pampaalsa, ni alisin sa sisidlan; pinasan nila iyon at umalis. Noo'y nahingi na nila sa mga Egipcio ang mga alahas na pilak at ginto at mga damit, tulad ng iniutos sa kanila ni Moises. Ibinigay ng mga Egipcio ang anumang hingin ng mga Israelita sapagkat niloob na ni Yahweh na sila'y igalang ng mga ito. Sa ganitong paraan, nasamsam nila ang kayamanan ng mga Egipcio. Mula sa Rameses, naglakbay ang mga Israelita patungong Sucot; humigit-kumulang sa animnaraang libo ang mga lalaki bukod pa sa mga babae at mga bata. Maraming hindi Israelita ang sumama sa kanila; marami rin silang dalang tupa, kambing at baka. At niluto nila ang dala nilang gagawing tinapay na wala pang pampaalsa. Hindi nila ito nakuhang lagyan pa ng pampaalsa sapagkat apurahan ang kanilang pag-alis sa Egipto; wala na silang panahong magluto ng pagkain. Nanirahan ang mga Israelita sa Egipto nang 430 taon. Huling araw ng ika-430 taon nang umalis sa Egipto ang lahat ng lipi ng bayan ni Yahweh. Nang gabing iyon sila iniligtas ni Yahweh at inilabas sa Egipto, kaya ang gabing iyon ay itinalaga nila sa pag-aalaala sa pagliligtas sa kanila ni Yahweh. Ang pag-aalaalang iyon ay patuloy nilang gagawin habang panahon. Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Ito ang mga tuntunin tungkol sa Paskwa: Bawal kumain nito ang mga dayuhan; ngunit ang alilang binili ninyo ay maaaring pakainin nito kung siya ay tuli na. Hindi rin maaaring kumain nito ang mga dayuhang nakikipanuluyan lamang sa inyo, o kaya'y ang mga upahang manggagawa. Ang korderong pampaskwa ay dapat kainin sa loob ng bahay na pinaglutuan nito. Huwag ilalabas kahit kapiraso nito at huwag ding babaliin kahit isang buto. Ang Pista ng Paskwa ay ipagdiriwang ng buong Israel. Lahat ng dayuhang nakikipamayan sa inyo na gustong makipagdiwang sa Paskwa ay kailangang tuliin muna pati ang kanyang mga anak na lalaki bago pasalihin sa pagdiriwang. Sa gayo'y ituturing silang katutubong Israelita. Huwag hahayaang kumain nito ang sinumang hindi tuli. Lahat ay saklaw ng mga tuntuning ito, maging siya'y katutubong Israelita o dayuhan.” Sinunod ng lahat ng mga Israelita ang iniutos ni Yahweh kina Moises at Aaron. Nang araw na iyon, inilabas ni Yahweh sa Egipto ang mga Israelita na nakahanay ayon sa kani-kanilang lipi. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ilaan ninyo sa akin ang mga panganay sapagkat akin ang lahat ng panganay na lalaki sa Israel, maging tao o hayop.” Sinabi naman ni Moises sa mga Israelita, “Aalalahanin ninyo ang araw na ito ng inyong paglaya sa pagkaalipin sa bansang Egipto; mula roo'y inilabas kayo ni Yahweh sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa. Umalis kayo ng Egipto sa araw na ito ng unang buwan. Dadalhin kayo ni Yahweh sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno, sa isang mayaman at masaganang lupain; ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Hivita at Jebuseo. Pagdating doon, ipagdiriwang ninyo taun-taon ang araw na ito. Ang kakainin ninyo sa loob ng pitong araw ay tinapay na walang pampaalsa, at sa ikapitong araw ay ipagpipista ninyo si Yahweh. Tinapay na walang pampaalsa ang kakainin ninyo sa loob ng pitong araw. At sa panahong iyon, huwag magkakaroon ng pampaalsa o tinapay na may pampaalsa sa inyong lupain. Sa araw na iyon, sasabihin ng bawat isa sa kanyang mga anak: ‘Ginagawa natin ito bilang pag-aalaala sa pagliligtas sa amin ni Yahweh nang ilabas niya kami sa Egipto.’ Ang pag-alalang ito'y magiging isang palatandaan sa inyong kamay, o sa inyong noo, upang hindi ninyo malimutan ang mga utos ni Yahweh, sapagkat inilabas niya kayo sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan. Gaganapin ninyo ang pag-aalaalang ito sa takdang araw taun-taon.” “Dadalhin kayo ni Yahweh sa lupain ng mga Cananeo, sa lupaing ipinangako niya sa inyo at sa inyong mga ninuno. Pagdating doon, ibukod ninyo para sa kanya ang lahat ng panganay na lalaki. Kanya rin ang lahat ng panganay na lalaki ng inyong mga hayop. Lahat ng panganay na lalaki ng mga asno ay tutubusin ninyo ng tupa; kung ayaw ninyong tubusin, baliin ninyo ang leeg nito. Tutubusin din ninyo ang mga anak ninyong panganay. Darating ang araw na itatanong ng inyong mga anak kung bakit ninyo ginagawa ito. Sabihin ninyo sa kanila na kayo'y iniligtas ni Yahweh mula sa pagkaalipin sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Sabihin ninyo na nang magmatigas ang Faraon at ayaw kayong payagang umalis sa Egipto, pinatay ni Yahweh ang lahat nilang panganay, maging tao o hayop. Ito ang dahilan kaya ninyo inihahandog sa kanya ang lahat ng panganay na lalaki, ngunit ang anak ninyong panganay ay inyong tinutubos. Ang paghahandog na ito'y magsisilbing palatandaan, tulad ng tatak sa inyong kamay o sa inyong noo; ito'y pag-alala sa ginawa ni Yahweh nang kayo'y ilabas niya sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.” Nang payagan na ng Faraon ang mga Israelita, hindi sa daan patungong Filistia sila pinaraan ng Diyos kahit na iyon ang pinakamalapit. Ayaw niyang ang mga Israelita'y mapasubo agad sa labanan, baka magbago pa sila ng isip at magbalik sa Egipto. Kaya, sila'y pinaligid niya sa ilang, patungong Dagat na Pula; sila'y handang-handang makipaglaban. Ang mga buto ni Jose ay dinala ni Moises sa kanilang pag-alis bilang pagtupad sa kahilingan nito. Ang sinabi noon ni Jose, “Tiyak na ililigtas kayo ni Yahweh; pag-alis ninyo rito'y dalhin ninyo ang aking mga buto.” Umalis sila ng Sucot at tumigil muna sa Etam bago pumasok ng ilang. Sa kanilang paglalakbay araw-gabi, patuloy silang pinapatnubayan ni Yahweh: kung araw ay sa pamamagitan ng haliging ulap at kung gabi'y sa pamamagitan naman ng haliging apoy na tumatanglaw sa kanila. Laging nasa unahan nila ang haliging ulap kung araw at ang haliging apoy kung gabi. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pabalikin mo ang mga Israelita at doon mo sila pagkampuhin sa tapat ng Pi Hahirot, ng Baal-zefon, sa pagitan ng Migdol at ng dagat. Aakalain ng Faraon na kayo'y nagkakaligaw-ligaw na sa ilang sapagkat hindi ninyo malaman ang lalabasan. Pagmamatigasin ko ang Faraon at hahabulin niya kayo ngunit ipapakita ko sa kanya at sa kanyang mga tauhan ang aking kapangyarihan. Sa gayo'y malalaman ng mga Egipcio na ako si Yahweh.” Sinunod ng mga Israelita ang sinabi sa kanila. Nang makarating sa Faraon ang balita tungkol sa pag-alis ng mga Israelita, nagbago siya ng isip, pati ang kanyang mga tauhan. Sinabi nila, “Bakit natin pinayagang umalis ang mga Israelita? Wala na ngayong maglilingkod sa atin!” Ipinahanda ng Faraon ang kanyang mga karwaheng pandigma at ang kanyang mga kawal. Ang dala niya'y animnaraang pangunahing karwaheng pandigma, kasama rin ang lahat ng karwahe sa buong Egipto; bawat isa'y may sakay na punong kawal. Pinagmatigas ni Yahweh ang Faraon at hinabol nito ang mga Israelita na noo'y buong pagtitiwalang naglalakbay. Hinabol nga sila ng mga Egipcio, ng mga kawal ng Faraon, sakay ng kanilang karwahe. Inabot nila ang mga Israelita, sa tabing dagat, malapit sa Pi Hahirot sa tapat ng Baal-zefon. Matinding takot ang naramdaman ng mga Israelita nang makita nilang dumarating ang Faraon at ang mga Egipcio. Kaya, dumaing sila kay Yahweh. Sinabi nila kay Moises, “Wala na bang mapaglilibingan sa amin sa Egipto kaya mo kami dinala sa ilang para dito mamatay? Inilabas mo nga kami sa Egipto, ngunit tingnan mo ang nangyari! Hindi ba't bago tayo umalis, sinabi na namin sa iyo na ganito nga ang aming sasapitin? Sinabi na namin sa iyo na huwag mo kaming pakialaman, at pabayaan na lamang kaming manatiling alipin ng mga Egipcio sapagkat mas gusto pa naming maging alipin kaysa mamatay dito sa ilang.” Sumagot si Moises, “Lakasan ninyo ang inyong loob; huwag kayong matakot. Tingnan na lang ninyo kung paano kayo ililigtas ngayon ni Yahweh. Hindi na ninyo muling makikita ang mga Egipciong iyan. Ipagtatanggol kayo ni Yahweh, pumanatag lamang kayo.” Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bakit mo ako tinatawag? Palakarin mo ang mga Israelita. Itapat mo sa ibabaw ng dagat ang iyong tungkod; mahahati ang tubig at matutuyo ang lalakaran ninyo. Lalo kong pagmamatigasin ang mga Egipcio at pasusundan ko kayo sa kanila, ngunit doon ko sila lilipulin: ang mga Egipcio, ang mga kawal ng Faraon, pati ang kanilang mga karwahe. Ipapakita ko sa Faraon at sa kanyang hukbo ang aking kapangyarihan. Sa gayon, malalaman ng mga Egipciong iyan na ako si Yahweh.” Ang anghel ng Diyos na pumapatnubay sa paglalakbay ng mga Israelita ay nagpahuli sa kanila, gayundin ang haliging ulap. Ang ulap ay lumagay sa pagitan ng mga Israelita at ng mga Egipcio. Madilim sa panig ng mga Egipcio, maliwanag naman sa mga Israelita. Dumating ang gabi at ang mga Egipcio ay hindi makalapit sa mga Israelita. Itinapat ni Moises ang kanyang tungkod sa ibabaw ng dagat. Magdamag na pinaihip ni Yahweh ang isang malakas na hangin mula sa silangan at nahati ang tubig. Ang mga Israelita'y tumawid sa dagat na ang nilakara'y tuyong lupa, sa pagitan ng tubig na parang pader. Hinabol sila ng mga Egipcio hanggang sa dagat. Ang mga ito'y mga kawal ng Faraon na nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo. Nang magbubukang-liwayway na, ang mga Egipcio'y ginulo ni Yahweh mula sa haliging apoy at ulap. Napabaon ang gulong ng mga karwahe at hindi na sila makahabol nang matulin. Kaya sinabi nila, “Umalis na tayo rito sapagkat si Yahweh na ang kalaban natin.” Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Itapat mo ang iyong tungkod sa ibabaw ng dagat at tatabunan ng tubig ang mga Egipcio pati ang kanilang mga karwahe.” Ganoon nga ang ginawa ni Moises, at sa pagbubukang-liwayway, nanumbalik sa dati ang dagat. Ang mga Egipcio'y nagsikap makatakas ngunit pinalakas ni Yahweh ang pagdagsa ng tubig kaya't nalunod silang lahat. Nang bumalik sa dati ang dagat, natabunan ang mga karwahe't kabayo ng Faraon, pati ang kanyang buong hukbo at wala ni isa mang natira. Ngunit ang mga Israelita'y nakatawid sa dagat, na tuyong lupa ang dinaanan, sa pagitan ng tubig na parang pader. Nang araw na iyon ang mga Israelita'y iniligtas ni Yahweh sa mga Egipcio; nakita nila ang bangkay ng mga Egipcio, nagkalat sa tabing dagat. Dahil sa kapangyarihang ipinakita ni Yahweh laban sa mga Egipcio, nagkaroon sila ng takot sa kanya at sumampalataya sila sa kanya at sa lingkod niyang si Moises. Ito ang inawit ni Moises at ng mga Israelita para kay Yahweh: “Itong si Yahweh ay aking aawitan, sa kanyang kinamtang dakilang tagumpay; ang mga kabayo't kawal ng kaaway, sa pusod ng dagat, lahat natabunan. Si Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan, siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan. Siya'y aking Diyos na aking pupurihin, Diyos ng aking ama, aking dadakilain. Siya'y isang mandirigma; Yahweh ang kanyang pangalan. “Mga karwahe't kawal ni Faraon, sa dagat ay kanyang itinapon, sa Dagat na Pula nailibing, mga pinunong Egipcio na pawang magagaling. Sa malalim na dagat sila'y natabunan, tulad nila'y batong lumubog sa kailaliman. Ang kanang kamay mo, Yahweh'y makapangyarihan, dinudurog nito ang mga kaaway. Sa dakila mong tagumpay, nilulupig ang kaaway; sa matinding init ng iyong poot, para silang dayaming tinutupok. Nang hipan mo ang dagat, tubig ay tumaas, parang pader na tumayo, kailalima'y tumigas. Wika ng kaaway, ‘hahabulin ko sila't huhulihin, kayamanan nila'y aking sasamsamin, at sa tabak kong hawak, sila'y lilipulin.’ Ngunit sa isang hinga mo Yahweh, sila'y nangalunod, parang tinggang sa malalim na tubig ay nagsilubog. “Ikaw Yahweh, sino sa mga diyos ang iyong kagaya? Sa kabanala'y dakila at kamangha-mangha, sa mga himala'y di mapantayan, sa kababalaghan ay di matularan? Nang iyong iunat ang kanan mong kamay, nilamon ng lupa ang aming mga kaaway. Sa iyong katapatan, bayan mong tinubos ay inakay, tungo sa lupang banal, sila'y iyong pinatnubayan. Maraming bansa ang dito'y nakarinig, at sa takot sila'y nagsipanginig; doon sa lupain ng mga Filisteo, nasindak ang lahat ng mga tao. Mga pinuno ng Edom ay nangagimbal; matatapang sa Moab sa takot ay sinakmal, mga nakatira sa lupain ng Canaan, lahat sila'y naubusan ng katapangan. Takot at sindak ang sa kanila'y dumatal, para silang bato na hindi makagalaw, nang kapangyarihan mo'y kanilang namalas, nang dumaan sa harap nila ang bayang iyong iniligtas. Sila'y dadalhin mo, Yahweh, sa sarili mong bundok. Sa dakong pinili mo upang maging iyong lubos, doon sa santuwaryong ikaw ang nagtayo at tumapos. Ikaw, Yahweh, ay maghahari magpakailanpaman.” Ang mga Israelita'y hinabol nga ng mga kawal ng Faraon sakay ng mga kabayo at mga karwahe. Nang ang mga kawal ay nasa gitna na ng dagat, muling pinaagos ni Yahweh ang tubig at natabunan ng alon ang mga kawal ng Faraon. Samantala, ang mga Israelita'y tumawid sa tuyong lupa. Pagkatapos, kumuha ng tamburin si Miriam, ang babaing propeta na kapatid ni Aaron. Tinugtog niya ito at nagsayawan ang mga babae na mayroon ding mga tamburin. Habang sila'y nagsasayaw, ganito ang inaawit ni Miriam: “Purihin si Yahweh sa kanyang dakilang tagumpay; itinapon niya sa dagat ang mga karwahe't ang nakasakay.” Pinagayak ni Moises ang mga Israelita, at umalis sila sa Dagat na Pula patungo sa ilang ng Shur. Tatlong araw na silang naglalakbay ngunit wala pa silang nakikitang tubig. Sa wakas, dumating sila sa batis ng Mara, ngunit hindi nila mainom ang tubig nito dahil mapait. Kaya, tinawag nila itong Batis na Mapait. Nagreklamo kay Moises ang mga Israelita, “Ano ngayon ang iinumin namin?” Dahil dito, humingi ng tulong si Moises kay Yahweh. Itinuro naman sa kanya ang isang putol na kahoy. Kinuha ito ni Moises at inihagis sa tubig; nawala ang pait niyon. Doon, sinubok sila ni Yahweh at binigyan ng tuntunin. Ang sabi niya, “Kung ako ay buong puso ninyong susundin, kung gagawin ninyo ang matuwid at susundin ang aking kautusan at mga tuntunin, hindi ko ipararanas sa inyo ang alinman sa mga sakit na ipinadala ko sa Egipto. Akong si Yahweh ang inyong manggagamot.” Pagkatapos, nakarating sila sa Elim. Doon ay may labindalawang balon at pitumpung puno ng palma at sila'y nagkampo sa tabi ng mga balon. Mula sa Elim, nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita, at ikalabing limang araw ng ikalawang buwan mula ng sila'y lumabas sa Egipto nang sila'y dumating sa ilang ng Sin, sa pagitan ng Elim at Sinai. Ang mga Israelita'y nagreklamo kina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Mabuti pa sana'y pinatay na kami ni Yahweh sa Egipto. Doon, nakakakain kami ng karne at tinapay hanggang gusto namin. Dito naman sa ilang na pinagdalhan ninyo sa amin, mamamatay kami sa gutom.” Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pauulanan ko kayo ng tinapay mula sa langit. Araw-araw, palalabasin mo ng bahay ang mga tao para mamulot ng kakainin nila sa maghapon. Sa pamamagitan nito'y susubukin ko kung susunod sila sa aking mga tagubilin. Tuwing ikaanim na araw, doble sa karaniwan ang kanilang pupulutin at ihahanda.” Pagkatapos ng pakikipag-usap nila kay Yahweh, sinabi nina Moises at Aaron sa mga Israelita, “Mamayang gabi, mapapatunayan ninyo na si Yahweh ang naglabas sa inyo sa Egipto. At bukas ng umaga, makikita ninyo ang kanyang kapangyarihan. Narinig niya ang inyong reklamo laban sa kanya. Laban sa kanya, sapagkat tuwing gagawin ninyo ito ay sa kanya kayo nagrereklamo, hindi sa amin.” Idinugtong pa ni Moises, “Mamayang gabi, bibigyan niya kayo ng karne. Bukas ng umaga ay tinapay ang ibibigay niya sa inyo hanggang gusto ninyo. Iyan ang sagot niya sa inyo. Ang totoo, anumang reklamo ninyo ay laban sa kanya, hindi sa amin, sapagkat sino ba kami para pagreklamuhan ninyo?” Sinabi ni Moises kay Aaron, “Paharapin mo ang buong bayan kay Yahweh sapagkat narinig niya ang kanilang reklamo.” Nang sabihin ito ni Aaron, ang buong bayan ay humarap kay Yahweh, sa gawi ng disyerto, at bigla na lamang nilang nakita sa ulap ang kaluwalhatian ni Yahweh. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Narinig ko ang reklamo ng mga Israelita. Sabihin mo sa kanila na sa pagtatakip-silim, bibigyan ko sila ng karne. Sa umaga, bibigyan ko sila ng tinapay hanggang gusto nila. Sa gayo'y malalaman nilang ako si Yahweh, ang kanilang Diyos.” Nang magtakip-silim, dumagsa sa kampo ang napakaraming pugo. Kinaumagahan naman ay makapal na makapal ang hamog sa paligid ng kampo. Nang mapawi ang hamog, nakakita sila sa lupa ng maliliit at maninipis na mga bagay na parang pinipig. Hindi nila alam kung ano iyon, kaya nagtanungan sila, “Ano ito?” Sinabi ni Moises, “Iyan ang tinapay na bigay sa inyo ni Yahweh. At ito ang utos niya tungkol diyan: Bawat isa ay kukuha ng kailangan niya at ng mga kasama niya sa tolda, kalahating salop bawat isang tao.” Namulot nga ang mga Israelita—may kumuha ng marami at may kumuha ng kaunti. Ngunit nang takalin nila ang kanilang nakuha, ang kumuha ng marami ay hindi lumabis, at ang kumuha ng kaunti ay hindi naman kinulang. Sapat lang sa kanila ang kanilang nakuha. Sinabi sa kanila ni Moises, “Huwag kayong magtitira para sa kinabukasan.” Ngunit ang ilan sa kanila'y hindi nakinig kay Moises. Kinabukasan, inuod at bumaho ang itinira nila. Kaya nagalit sa kanila si Moises. Mula noon, tuwing umaga'y namumulot sila nang ayon sa kanilang kailangan. Pag-init ng araw, ito'y natutunaw. Nang ikaanim na araw, doble ang kanilang pinulot, isang salop para sa isang tao. Nagpunta kay Moises ang mga pinuno ng bayan at sinabi ang nangyari. Ipinaliwanag naman ni Moises sa kanila, “Ito ang utos ni Yahweh: ‘Bukas ay Araw ng Pamamahinga, araw na nakatalaga kay Yahweh. Lutuin na ninyo ngayon ang gusto ninyong lutuin. Ang hindi mauubos ay itira ninyo para bukas.’” Tulad ng sinabi sa kanila ni Moises, nagtira sila para sa kinabukasan, at iyo'y hindi nasira at hindi inuod. At sinabi ni Moises, “Ito ang kakainin ninyo ngayon. Ngayon ay Araw ng Pamamahinga; wala kayong makukuha niyan ngayon. Anim na araw kayong mamumulot niyan; ngunit sa ikapito, sa Araw ng Pamamahinga, ay wala kayong makukuha.” Ngunit nang ikapitong araw ay mayroon pa ring mga lumabas sa bukid para mamulot ngunit wala silang nakuha. Kaya sinabi ni Yahweh kay Moises, “Hanggang kailan pa kayo susuway sa aking mga utos? Tandaan ninyo na akong si Yahweh ang nagtakda sa inyo ng Araw ng Pamamahinga. Kaya, tuwing ikaanim na araw ay binibigyan ko kayo ng pagkain para sa dalawang araw. Sa ikapitong araw ay wala nang lalabas.” At mula noon, nagpapahinga na lamang sila tuwing ikapitong araw. Manna ang itinawag ng mga Israelita sa pagkaing pinupulot nila. Ito'y parang buto ng kulantro, maputi at lasang galyetas na minasa sa pulot. Sinabi sa kanila ni Moises, “Ito ang utos ni Yahweh: ‘Kumuha kayo ng kalahating salop ng manna. Itatago ninyo ito upang makita ng inyong magiging mga anak at mga apo ang pagkaing ibinigay ko sa inyo nang ilabas ko kayo sa Egipto.’” Sinabi naman ni Moises kay Aaron, “Kumuha ka ng isang banga at lagyan mo ng kalahating salop na manna. Pagkatapos, ialay mo sa harapan ni Yahweh upang itago para sa ating magiging mga anak at mga apo.” Gaya ng iniutos ni Yahweh kay Moises, inilagay ni Aaron sa loob ng Kaban ng Tipan ang palayok ng manna. Manna ang kinain ng mga Israelita sa loob ng apatnapung taon, hanggang sa dumating sila sa Canaan. ( Ang isang salop ay katumbas ng higit sa apat na litro.) Mula sa disyerto ng Sin, naglakbay ang mga Israelita, sila'y humihinto at nagpapatuloy kapag sinabi ni Yahweh. Sila'y nagkampo sa Refidim ngunit walang tubig doon, kaya nagalit sila kay Moises. Sinabi nila, “Bigyan mo kami ng tubig na maiinom.” “Bakit kayo nagagalit? Bakit ninyo sinusubukan ang kakayahan ni Yahweh?” tanong ni Moises. Ngunit talagang uhaw na uhaw na ang mga Israelita, kaya sinumbatan nila si Moises, “Inilabas mo ba kami sa Egipto para patayin sa uhaw pati mga anak namin at mga alagang hayop?” Kaya, humingi ng tulong si Moises kay Yahweh, “Ano ang gagawin ko sa mga taong ito? Gusto na nila akong batuhin?” Sumagot si Yahweh, “Magsama ka ng ilang pinuno ng Israel at mauna kayo sa mga Israelita. Dalhin mo ang iyong tungkod na inihampas mo sa Ilog Nilo at lumakad na kayo. Hihintayin ko kayo sa ibabaw ng malaking bato sa Sinai. Hampasin mo ito at bubukal ang tubig na maiinom ng mga tao.” Iyon nga ang ginawa ni Moises; at ito'y nasaksihan ng mga kasama niyang pinuno ng Israel. Ang lugar na iyon ay pinangalanan niyang “Masah” at “Meriba” sapagkat nagtalu-talo doon ang mga Israelita at sinubok nila si Yahweh. Ang pinagtalunan nila ay kung pinapatnubayan nga sila ni Yahweh o hindi. Nang ang mga Israelita'y nasa Refidim, sinalakay sila ng mga Amalekita. Sinabi ni Moises kay Josue, “Pumili ka ng ilang tauhan natin at pangunahan mo sa pakikipaglaban sa mga Amalekita. Hahawakan ko naman ang tungkod na ibinigay sa akin ng Diyos at tatayo ako sa ibabaw ng burol.” Sinunod ni Josue ang utos ni Moises at hinarap niya ang mga Amalekita. Si Moises naman, kasama sina Aaron at Hur ay nagpunta sa burol. Kapag nakataas ang mga kamay ni Moises, nananalo ang mga Israelita; kapag nakababa, nananalo naman ang mga Amalekita. Nangawit na si Moises kaya sina Aaron at Hur ay kumuha ng isang bato at pinaupo roon si Moises habang hawak nilang pataas ang mga kamay nito hanggang sa lumubog ang araw. Dahil dito'y natalo ni Josue ang mga Amalekita. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Isulat mo ang pangyayaring ito upang hindi ninyo malimutan, at sabihin mo naman kay Josue na lilipulin ko ang mga Amalekita.” Nagtayo si Moises ng isang altar at tinawag niya itong, “Si Yahweh ang aking Watawat.” At sinabi niya sa mga tao, “Itaas ninyo ang watawat ni Yahweh! Patuloy niya tayong pangungunahan sa ating pakikipaglaban sa mga Amalekita.” Nabalitaan ni Jetro, biyenan ni Moises at pari sa Midian, ang mga ginawa ni Yahweh para kay Moises at sa mga Israelita, kung paanong inilabas niya ang mga ito sa lupain ng Egipto. Si Jetro ang nag-aruga kay Zipora nang ito'y pauwiin ni Moises sa Midian kasama ang dalawa nilang anak. Gersom ang pangalan ng una sapagkat ang sabi ni Moises nang ito'y isilang: “Ako'y dayuhan sa lupaing ito.” Ang pangalawa nama'y Eliezer, sapagkat ang sabi niya: “Tinulungan ako ng Diyos ng aking mga ninuno; iniligtas niya ako sa tabak ng Faraon.” Isinama ni Jetro ang asawa ni Moises at ang dalawang anak nito, at pumunta sa pinagkakampuhan nina Moises sa ilang, sa tabi ng Bundok ng Diyos. Pagdating doon, ipinasabi niya kay Moises: “Darating ako riyan, kasama ang iyong asawa't dalawang anak.” Kaya't sinalubong sila ni Moises. Nagbigay-galang siya sa biyenan, niyakap ito, at isinama sa kanyang tolda; doon sila nagkumustahan at masayang nagbalitaan. Isinalaysay ni Moises ang lahat ng ginawa ni Yahweh sa Faraon at sa mga Egipcio, at kung paano iniligtas ni Yahweh ang mga Israelita. Isinalaysay rin niya ang mga hirap na inabot nila sa paglalakbay at kung paano sila tinulungan ni Yahweh. Natuwa si Jetro sa kabutihang ginawa sa kanila ni Yahweh at sa pagliligtas nito sa kanila sa mga Egipcio. Sinabi niya, “Purihin si Yahweh na nagligtas sa inyo mula sa kamay ng Faraon at ng mga Egipcio! Purihin si Yahweh na nagpalaya sa mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Egipto! Napatunayan ko ngayon na siya ay higit sa ibang mga diyos dahil sa ginawa niya sa mga Egipcio na umapi sa mga Israelita.” At si Jetro ay nagdala ng handog na susunugin at iba pang handog para sa Diyos. Dumating naman si Aaron at ang mga pinuno ng Israel, at kumain sila, kasalo ng biyenan ni Moises. Kinabukasan, naupo si Moises upang mamagitan at humatol sa mga usapin ng mga tao. Inabot siya ng gabi sa dami ng taong lumalapit sa kanya. Nang makita ni Jetro ang hirap na inaabot ni Moises sa kanyang ginagawa, tinanong niya ito, “Ano ba ang ginagawa mo sa mga tao? Bakit mag-isa mong ginagawa ito at ang mga tao'y maghapong nakapaligid sa iyo?” Sumagot si Moises, “Mangyari po lumalapit sila sa akin para alamin ang kalooban ng Diyos. Kapag may dalawang taong may pinagtatalunan, lumalapit sila sa akin at sinasabi ko naman sa kanila kung sino ang may katuwiran. Bukod doon, ipinaliliwanag ko sa kanila ang mga utos at tuntunin ng Diyos.” Sinabi ni Jetro, “Hindi ganyan ang dapat mong gawin. Pinahihirapan mo ang iyong sarili pati ang mga tao. Napakalaking gawain iyan para sa iyo at hindi mo iyan kayang mag-isa. Pakinggan mo itong ipapayo ko sa iyo at tutulungan ka ng Diyos. Ikaw ang lalapit sa Diyos para sa kanila at magdadala sa kanya ng kanilang mga usapin. Ikaw ang magtuturo sa kanila ng mga kautusan at mga tuntunin, at ikaw rin ang magpapaliwanag sa kanila kung ano ang dapat nilang gawin. Ngunit pumili ka ng mga taong may kakayahan, may takot sa Diyos, mapagkakatiwalaan at di masusuhulan. Gawin mo silang tagapangasiwa sa libu-libo, daan-daan, lima-limampu at sampu-sampu. Sila na ang bahalang humatol sa maliliit na usapin, at ang mabibigat na kaso lamang ang ihaharap sa iyo. Sa gayon, hindi ka masyadong mahihirapan sapagkat matutulungan ka nila sa iyong gawain. Kung ganoon ang gagawin mo, na siya namang utos ng Diyos, hindi ka mahihirapan at madali pang maaayos ang anumang suliranin ng taong-bayan.” Pinakinggan ni Moises ang payo ng kanyang biyenan at sinunod niya ito. Pumili nga siya ng mga lalaking may kakayahan at ginawa niyang tagapangasiwa sa Israel: para sa libu-libo, sa daan-daan, sa lima-limampu at sa sampu-sampu. Sila ang naging palagiang hukom ng bayan. Ang malalaking usapin na lamang ang dinadala nila kay Moises at sila na ang lumulutas sa maliliit na kaso. Pagkatapos nito'y nagpaalam na si Jetro kay Moises at umuwi sa sariling bayan. Ang mga Israelita'y nakarating sa ilang ng Sinai noong unang araw ng ikatlong buwan buhat nang umalis sila sa Egipto. Mula sa Refidim, nagpatuloy sila sa ilang ng Sinai at nagkampo sa tapat ng bundok. Si Moises naman ay umakyat sa bundok upang makipag-usap sa Diyos. Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Ito ang sabihin mo sa angkan ni Jacob, sa mga Israelita. ‘Nakita ninyo ang ginawa ko sa mga Egipcio. Nakita rin ninyo kung paanong dinala ko kayo rito tulad ng isang agilang nagdala sa kanyang mga inakay. Kung susundin ninyo ako at magiging tapat sa ating kasunduan, kayo ang magiging bayang hinirang. Ang buong daigdig ay akin ngunit kayo'y aking itatangi. Kayo'y gagawin kong isang kaharian ng mga pari at isang bansang banal.’ Iyan ang sabihin mo sa mga Israelita.” Kaya tinipon ni Moises ang mga pinuno ng Israel at sinabi ang lahat ng iniutos sa kanya ni Yahweh. Sila nama'y sabay-sabay na sumagot, “Susundin namin ang lahat ng iniutos ni Yahweh.” Si Moises ay nagbalik kay Yahweh at sinabi ang tugon ng mga tao. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Magsasalita ako sa iyo mula sa makapal na ulap upang marinig ng mga tao at nang sila'y maniwala sa iyo habang panahon.” At sinabi ni Moises kay Yahweh ang pasya ng mga tao. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga tao na ihanda nila ang kanilang sarili mula sa araw na ito hanggang bukas. Kailangang labhan nila ang kanilang mga damit at humanda sa makalawa, sapagkat akong si Yahweh ay bababâ sa Bundok ng Sinai para makita ng mga tao. Lagyan mo ng hangganan ang paligid ng bundok, at sabihin mo sa kanilang huwag aakyat sa bundok ni hahawakan ang anumang nasa loob ng hangganan. Sinumang gumawa nito ay papatayin sa pamamagitan ng bato o sibat, maging tao man o hayop. At sinumang patayin sa ganitong dahilan ay huwag ding hahawakan. Kapag narinig na ninyo ang mahabang tunog ng trumpeta, saka pa lamang kayo makaaakyat sa bundok.” Mula sa bundok, bumabâ si Moises at pinahanda ang mga tao upang sumamba; at nilinis nila ang kanilang mga damit. Sinabi sa kanila ni Moises, “Humanda kayo sa ikatlong araw; at huwag muna kayong magsisiping.” Kinaumagahan ng ikatlong araw ay kumulog at kumidlat. Ang bundok ay nabalot ng makapal na ulap at narinig ang isang malakas na tunog ng trumpeta. Nanginig sa takot ang lahat ng tao sa buong kampo. Pinangunahan ni Moises ang mga tao papunta sa paanan ng bundok upang humarap sa Diyos. Ang Bundok ng Sinai ay nababalot ng usok sapagkat bumabâ si Yahweh sa anyo ng apoy. Tumaas ang usok tulad ng usok ng isang pugon, at nayanig ang bundok. Palakas nang palakas ang tunog ng tambuli. Nagsalita si Moises at sumagot sa kanya ang Diyos sa pamamagitan ng kulog. Bumabâ si Yahweh sa tuktok ng Bundok ng Sinai at pinaakyat niya roon si Moises. Sinabi niya, “Bumabâ ka at sabihin mo sa mga tao na huwag lalampas ng hangganan upang makita ako sapagkat marami ang mamamatay. Pati ang mga paring lalapit sa akin ay kailangang maglinis ng kanilang sarili; kung hindi'y paparusahan ko sila.” Sinabi ni Moises kay Yahweh, “Hindi po aakyat dito ang mga tao sapagkat pinalagyan na ninyo ng hangganan ang paligid ng bundok at itinuturing naming banal ang nakapaloob doon.” Sinabi ni Yahweh, “Bumabâ ka at isama mo rito si Aaron. Ang mga pari at ang mga tao ay huwag mong palalampasin sa hangganan. Sinumang lumampas ay paparusahan ko.” Bumabâ nga si Moises at sinabi ito sa mga tao. Ang lahat ng ito'y sinabi ng Diyos: “Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na naglabas sa iyo sa Egipto at nagpalaya sa iyo mula sa pagkaalipin. “Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin. “Huwag kang gagawa ng imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin. Huwag mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos. Ang kasalanan ng mga magulang ay sinisingil ko sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi. Ngunit ipinadarama ko ang aking pag-ibig sa libu-libong salinlahi ng mga umiibig sa akin at tumutupad sa aking mga kautusan. “Huwag mong gagamitin sa walang kabuluhan ang pangalan ni Yahweh na iyong Diyos. Tiyak na paparusahan ko ang sinumang gumamit nito nang walang kabuluhan. “Lagi mong tandaan at ilaan para sa akin ang Araw ng Pamamahinga. Anim na araw kang magtatrabaho, at tapusin mo ang dapat gawin. Subalit ang ikapitong araw ay para kay Yahweh na iyong Diyos; ito ay Araw ng Pamamahinga. Sa araw na ito'y huwag magtrabaho ang sinuman sa inyo; kayo, ang inyong mga anak, mga aliping lalaki o babae, ang inyong mga alagang hayop, ni ang mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. Anim na araw kong nilikha ang langit, ang lupa, ang mga dagat at ang lahat ng nasa mga ito. Ngunit namahinga ako sa ikapitong araw. Kaya't ito'y aking pinagpala at inilaan para sa akin. “Igalang mo ang iyong ama at ina. Sa gayo'y mabubuhay ka nang matagal sa lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. “Huwag kang papatay. “Huwag kang mangangalunya. “Huwag kang magnanakaw. “Huwag kang sasaksi nang walang katotohanan laban sa iyong kapwa. “Huwag mong pagnanasaang maangkin ang sambahayan ng iyong kapwa: ang kanyang asawa, mga alilang lalaki o babae, mga baka, asno o ang anumang pag-aari niya.” Nanginig sa takot ang mga Israelita nang marinig nila ang dagundong ng kulog at tunog ng trumpeta, at makita ang kidlat at ang usok sa bundok. Nanatili silang nakatayo sa malayo. Nang lumapit sa kanila si Moises, sinabi nila, “Ikaw ang magsalita sa amin at makikinig kami; huwag na ang Diyos at baka kami mamatay.” Sinabi sa kanila ni Moises, “Huwag kayong matakot, sapagkat sinusubok lang kayo ng Diyos. Nais lang niyang magkaroon kayo ng takot sa kanya sapagkat ayaw niya kayong magkasala.” Ngunit nanatili pa rin sa malayo ang mga tao; si Moises lamang ang lumapit sa makapal na ulap na kinaroroonan ng Diyos. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Narinig ninyo nang ako'y magsalita mula sa langit. Huwag kayong gagawa ng anumang diyus-diyosan, pilak man o ginto. Gumawa kayo ng altar na yari sa lupa at doon ninyo susunugin ang inyong mga handog para sa kapayapaan; doon din ninyo susunugin ang handog ninyong mga tupa at mga baka. Doon ninyo ako sasambahin sa lugar na ituturo ko sa inyo. Pupunta ako roon at pagpapalain ko kayo. Kung gagamit kayo ng bato sa altar na inyong gagawin, huwag kayong gumamit ng batong tinapyasan ng paet. Ang paggamit ng paet ay isang paglapastangan. Huwag ninyo akong igagawa ng altar na may baytang paakyat upang hindi malantad ang inyong kahubaran.” “Ito ang tuntuning ibibigay mo sa bayang Israel. Kapag ang isang tao'y bumili ng aliping Hebreo, maglilingkod ito sa kanya sa loob ng anim na taon. Sa ikapito, makakalaya na siya nang hindi kailangang tubusin. Kung ang alipin ay walang asawa nang bilhin, aalis siyang walang asawa. Ngunit kung may asawa siya nang mabili, kasama niya sa pag-alis ang kanyang asawa. Kung sa kanyang pagkaalipin ay binigyan siya ng magiging asawa at nagkaanak sila, ang babae at ang mga anak ay maiiwan sa amo; siya lamang ang lalaya. Ngunit kung ayaw na niyang umalis sapagkat mahal niya ang kanyang asawa't mga anak, gayon din ang kanyang amo patutunayan niya ito sa harapan ng Diyos: dadalhin siya sa pintuan, sa tabi ng poste ng pinto at bubutasan ang isa niyang tainga. Sa gayon, magiging alipin siya habang buhay. “Kapag ipinagbili ng ama ang kanyang anak na babae upang maging alipin, hindi ito palalayain tulad ng aliping lalaki. Ngunit kung ang babae'y ipinagbili bilang asawa ng kanyang amo, subalit siya'y hindi nito kinaluguran, siya ay maaaring ipatubos sa kanyang mga kamag-anak. Walang karapatan ang kanyang amo na siya'y ipagbili sa mga dayuhan sapagkat hindi ito naging makatarungan sa babae. Kung ang babae nama'y binili para sa anak ng amo, ituturing siya nito na parang tunay na anak. At kung mag-asawa ng iba ang lalaki, ang babae ay patuloy na bibigyan ng kanyang pagkain, damit at patuloy na sisipingan ng kanyang asawang lalaki. Kapag hindi tinupad ng lalaki ang tatlong bagay na ito, dapat palayain ang babae nang hindi na kailangang tubusin. “Sinumang manakit at makapatay sa kanyang kapwa ay dapat ring patayin. Ngunit kung hindi sinadya o binalak ang pagpatay at ito'y hinayaang mangyari ng Diyos, ang nakamatay ay maaaring magtago sa lugar na itatakda ko sa ganitong pangyayari. Ngunit kung ang pagpatay ay sinasadya, darakpin ang pumatay at papatayin kahit magtago pa siya sa aking altar. “Sinumang magbuhat ng kamay sa kanyang ama o ina ay dapat patayin. “Sinumang dumukot ng kapwa upang ipagbili o alipinin ay dapat patayin. “Sinumang magmura sa kanyang ama o ina ay dapat patayin. “Kapag sinaktan ng isang tao ang kanyang alipin, maging babae o lalaki, at ito'y namatay noon din, paparusahan ang taong iyon. Ngunit kung ang alipin ay mabuhay ng isa o dalawang araw, hindi paparusahan ang amo sapagkat kanyang ari-arian ang alipin. “Kung ang nag-aaway ay makasakit ng nagdadalang-tao at dahil doo'y nakunan ito, ngunit walang ibang pinsala, ang nakasakit ay magbabayad ng halagang hihingin ng asawa ng babae ayon sa kapasyahan ng mga hukom. Ngunit kung may iba pang pinsalang tinamo ang babae, paparusahan ang nakasakit: buhay din ang kabayaran sa buhay, mata sa mata, ngipin sa ngipin, kamay sa kamay, paa sa paa, sunog sa sunog, sugat sa sugat, galos sa galos. “Kapag pinalo ng amo ang kanyang alipin, lalaki o babae, at ito'y nabulag, palalayain niya ang aliping iyon bilang kabayaran sa mata nito. Ganoon din ang gagawin kung mabungi ng amo ang ngipin ng kanyang alipin, bilang kabayaran naman sa ngipin nito. “Kapag ang isang baka ay nanuwag at nakapatay ng tao, babatuhin ang baka hanggang sa mamatay, ngunit huwag kakanin ang karne nito; walang pananagutan ang may-ari ng baka. Kung ito'y dati nang nanunuwag ngunit pinabayaan pa ng may-ari matapos tawagin ang kanyang pansin, papatayin ang baka gayundin ang may-ari kapag nakamatay ang baka. Gayunman, kung lalagyan ng halaga ang buhay ng namatay, babayaran ito ng may-ari at hindi na siya papatayin. Kahit bata ang mapatay ng baka, iyan din ang tuntunin. Kung alipin ang napatay sa suwag, ang amo ng alipin ay babayaran ng may-ari ng baka; tatlumpung pirasong pilak ang ibabayad at babatuhin ang baka hanggang sa mamatay. “Kapag naiwang bukás ang isang balon, o kaya'y may humukay ng balon ngunit hindi tinakpan, at may baka o asnong nahulog doon, ang nahulog na hayop ay babayaran ng may-ari ng balon ngunit kanya na ang hayop. Kapag ang napatay naman sa suwag ay baka ng iba, ipagbibili ang nanuwag at ang pinagbilhan ay paghahatian ng dalawang may-ari, pati ang karne ng bakang napatay. Ngunit kung ito'y dating nanunuwag at hindi ikinulong ng may-ari, papalitan niya ang napatay na baka at ito nama'y kanya na. “Kapag ang isang tao'y nagnakaw ng baka o tupa at ito'y pinatay o ipinagbili, papalitan niya ito: lima ang ipapalit sa isang baka, at apat naman sa isang tupa. “Kapag ang hayop na alaga ay nakawala at nakapanira sa bukid ng iba, papalitan ng may-ari ang anumang nasira ng kanyang hayop. Ang ibabayad niya ay ang pinakamainam na ani ng kanyang bukirin. “Kapag may nagsiga, kumalat ang apoy at nakasunog ng mga inani o ng pananim ng iba, ito ay babayaran ng nagsiga. “Kapag ang salapi o anumang ari-arian ng isang tao'y ipinagkatiwala sa kanyang kapwa at ang mga ito'y nawala sa bahay, pagbabayarin nang doble ang kumuha kapag ito'y mahuli. Kung hindi naman mahuli ang nagnakaw, ang pinagkatiwalaan ay panunumpain sa harapan ng Diyos para patunayang wala siyang kinalaman sa pagkawala ng inihabilin sa kanya. “Anumang usapin tungkol sa pang-aangkin ng nawawalang asno, baka, tupa, damit o anumang bagay, ay dadalhin sa harapan ng Diyos. Ang mapatunayang nang-aangkin lamang ay magbabayad nang doble sa tunay na may-ari. “Kung mamatay, mapinsala o inagaw ang isang asno, baka, tupa o anumang hayop na paalaga ngunit walang nakakita sa pangyayari, ang nag-aalaga ay manunumpa sa harapan ni Yahweh upang patunayan na wala siyang kinalaman sa pangyayari. Ito'y dapat paniwalaan ng may-ari at wala nang pananagutan ang tagapag-alaga. Ngunit kung ninakaw ang hayop, magbabayad ang tagapag-alaga. Kung ang hayop naman ay pinatay ng isang hayop na mabangis, ipapakita ng tagapag-alaga ang bahaging natira at wala siyang pananagutan. “Kapag ang isang tao'y nanghiram ng isang hayop at ito'y namatay o napinsala nang hindi nakikita ng may-ari, babayaran ito ng nanghiram. Ngunit kung naroon ang may-ari, hindi ito babayaran, lalo na kung inupahan; ang upa ang magiging kabayaran. “Kapag ang isang dalagang hindi pa nakatakdang ikasal ay inakit at sinipingan ng isang lalaki, siya ay pakakasalan ng lalaking iyon at bibigyan ng kaukulang dote. Kung hindi pumayag ang ama na ipakasal ang babae, ibibigay na lang sa ama ang halagang katumbas ng dote. “Ang mga mangkukulam ay dapat patayin. “Sinumang makipagtalik sa hayop ay dapat patayin. “Sinumang maghandog sa diyus-diyosan ay dapat patayin sapagkat kay Yahweh lamang dapat maghandog. “Huwag ninyong aapihin ang mga dayuhan; alalahanin ninyong naging dayuhan din kayo sa Egipto. Huwag din ninyong aapihin ang mga balo at ang mga ulila. Kapag inapi ninyo sila at dumaing sa akin, tiyak na papakinggan ko sila. Dahil dito, kapopootan ko kayo at lilipulin sa pamamagitan ng digmaan. Sa gayo'y mabibiyuda rin ang inyu-inyong asawa at mauulila ang inyong mga anak. “Kapag nangutang sa inyo ang mga kababayan ninyong mahihirap, huwag kayong hihingi ng tubo, tulad ng ginagawa ng mga nagpapatubo. Kapag may nagsanla sa inyo ng balabal, ibalik ninyo iyon sa kanya bago lumubog ang araw sapagkat iyon lamang ang pambalot niya sa katawan; wala siyang kukumutin sa pagtulog. Kapag siya'y dumaing sa akin, papakinggan ko siya sapagkat ako'y mahabagin. “Huwag ninyong lalapastanganin ang Diyos ni mumurahin ang mga pinuno ng inyong bayan. “Huwag ninyong kalilimutang maghandog ng inaning butil, alak na mula sa katas ng ubas at langis sa takdang panahon. “Ihahandog ninyo sa akin ang inyong mga panganay na lalaki. Ihahandog din ninyo sa akin ang panganay ng inyong mga baka at tupa. Huwag ihihiwalay sa ina ang panganay nitong lalaki hanggang sa ikapitong araw mula sa kapanganakan; sa ikawalong araw, ihahandog siya sa akin. “Kayo'y aking bayang pinili. Kaya huwag kayong kakain ng karne ng hayop na pinatay ng mabangis na hayop; ipakain ninyo iyon sa mga aso. “Huwag kayong gagawa ng anumang pahayag na walang katotohanan. Huwag kayong magsisinungaling para lamang tulungan ang isang taong may kasalanan. Huwag kayong makikiisa sa karamihan, sa paggawa ng masama o sa paghadlang sa katarungan. Ngunit huwag rin ninyong kikilingan ang mahihirap dahil lang sa kanilang kalagayan. “Kung makita ninyong nakawala ang baka o asno ng inyong kaaway, hulihin ninyo ito at dalhin sa may-ari. Kapag nakita ninyong nakabuwal ang asno ng inyong kaaway dahil sa bigat ng dala, tulungan ninyo ang may-ari upang ibangon ang hayop. “Huwag ninyong pagkakaitan ng katarungan ang mahihirap. Huwag kayong magbibintang nang walang katotohanan. Huwag ninyong hahatulan ng kamatayan ang isang taong walang kasalanan; paparusahan ko ang sinumang gagawa ng ganoon. Huwag kayong tatanggap ng suhol sapagkat ang suhol ay bumubulag sa tao sa katuwiran at ikinaaapi naman ng mga walang sala. “Huwag ninyong aapihin ang mga dayuhan; naranasan na ninyo ang maging dayuhan sapagkat kayo man ay naging dayuhan din sa Egipto. “Anim na taon ninyong tatamnan ang inyong mga bukirin at anim na taon din ninyong aanihin ang bunga. Sa ikapitong taon, huwag ninyo itong tatamnan at huwag din ninyong aanihin ang anumang tutubo roon. Bayaan na ninyo iyon sa mga kapatid ninyong mahirap, at ang matira ay ipaubaya na ninyo sa mga maiilap na hayop. Ganoon din ang gagawin ninyo sa inyong mga ubasan at taniman ng olibo. “Anim na araw kayong magtatrabaho, ngunit sa ikapitong araw ay titigil kayo sa paggawa upang makapahinga rin ang inyong mga baka, asno, alipin at ang mga manggagawang dayuhan. “Pakinggan ninyong mabuti itong mga sinasabi ko sa inyo. Huwag kayong mananalangin sa mga diyus-diyosan, ni babanggitin man ang kanilang pangalan. “Ipagpipista ninyo ako nang tatlong beses isang taon. Ipagdiriwang ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Tulad ng sinabi ko sa inyo, pitong araw na huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa. Ito'y gagawin ninyo sa takdang araw ng unang buwan, ang buwan ng pag-alis ninyo sa Egipto. Walang haharap sa akin nang walang dalang handog. “Ipagdiriwang din ninyo ang Pista ng Pag-aani tuwing aanihin ninyo ang unang bunga ng inyong mga bukirin. “At ipagdiriwang din ninyo ang Pista ng mga Tolda sa pagtatapos ng taon, sa pitasan ng ubas at ng mga bungangkahoy. Tatlong beses isang taon, lahat ng lalaki ay haharap sa Panginoong Yahweh. “Huwag ninyong sasamahan ng tinapay na may pampaalsa ang mga hayop na ihahandog ninyo sa akin, at huwag ninyong hahayaang matira sa kinabukasan ang taba ng mga hayop na handog ninyo sa pagpipista para sa akin. “Dadalhin ninyo bilang handog sa bahay ni Yahweh na inyong Diyos ang mga pinakamainam na unang ani ng inyong mga bukirin. “Huwag kayong maglalaga ng tupa o batang kambing sa gatas ng sarili nitong ina. “Magpapadala ako ng anghel na mangunguna sa inyo. Pangangalagaan niya kayo sa inyong paglalakbay at papatnubayan hanggang sa lupaing inihanda ko sa inyo. Papakinggan ninyo siya at susundin ang lahat ng sasabihin niya sa inyo. Huwag ninyo siyang susuwayin sapagkat lahat ng ginagawa niya'y sa pangalan ko at hindi niya kayo patatawarin kapag nagrebelde kayo sa kanya. Kung susundin ninyo siya at gagawin ninyo ang mga sinasabi ko, ipaglalaban ko kayo sa inyong mga kaaway. Pangungunahan kayo ng aking anghel patungo sa lupain ng mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Cananeo, Hivita at Jebuseo, at sila'y lilipulin ko. Huwag ninyong yuyukuran o sasambahin ang kanilang mga diyus-diyosan, ni tutularan ang kanilang ginagawa. Durugin ninyo ang kanilang mga diyus-diyosan pati mga haliging ginamit nila sa pagsamba. Akong si Yahweh ang siya lamang ninyong paglilingkuran. Pasasaganain ko kayo sa pagkain at inumin, at ilalayo sa anumang karamdaman. Isa man sa mga babaing Israelita ay walang makukunan o mababaog. At bibigyan ko kayo ng mahabang buhay. “Dahil sa gagawin ko, masisindak ang lahat ng haharap sa inyo. Malilito ang mga bansang makakalaban ninyo at magtatakbuhan dahil sa takot. Habang kayo'y papalapit, guguluhin ko ang inyong mga kaaway at palalayasin ko ang mga Hivita, Cananeo at Heteo sa kanilang lupain. Hindi ko muna sila paaalising lahat sa loob ng isang taon para hindi mapabayaan ang lupain at nang hindi dumami ang mga maiilap na hayop. Unti-unti ko silang paaalisin hanggang sa dumami ang inyong mga anak. Ang magiging hangganan ng inyong lupain ay mula sa Dagat na Pula hanggang sa Dagat Mediteraneo, at mula sa ilang hanggang sa Ilog Eufrates. Ipapalupig ko sa inyo ang mga tagaroon at sila'y inyong palalayasin. Huwag kayong makikipagtipan sa kanila o sa kanilang mga diyus-diyosan. Huwag ninyo silang patitirahing kasama ninyo sa lupaing sasakupin ninyo, at baka mahikayat nila kayong magkasala sa akin. Kapag pinaglingkuran ninyo ang kanilang mga diyus-diyosan, iyon ang magiging simula ng inyong kapahamakan.” Pagkatapos, sinabi naman ni Yahweh kay Moises, “Umakyat ka rito sa bundok. Isama mo sina Aaron, Nadab, Abihu at ang pitumpu sa mga pinuno ng Israel. Sumamba kayo sa lugar na malayo sa akin. Ikaw lamang ang makakalapit sa akin. Sabihin mo naman sa mga taong-bayan na huwag aakyat sa bundok.” Lahat ng iniutos ni Yahweh ay sinabi ni Moises sa mga Israelita. Ang mga ito nama'y sabay-sabay na sumagot, “Lahat ng iniuutos ni Yahweh ay susundin namin.” Isinulat ni Moises ang lahat ng utos ni Yahweh. Kinabukasan, maagang-maaga siyang nagtayo ng altar sa paanan ng bundok. Nagtayo rin siya ng labindalawang bato, na kumakatawan sa labindalawang lipi ni Israel. Pagkatapos, inutusan niya ang ilang kabataang lalaki na magdala sa altar ng mga handog na susunugin. Sila rin ang inutusan niyang pumatay ng mga hayop na gagamitin bilang handog sa pakikipagkasundo kay Yahweh. Ang kalahati ng dugo ng pinatay na hayop ay inilagay niya sa malalaking mangkok at ang kalahati'y ibinuhos niya sa altar. Kinuha niya ang aklat ng tipan at binasa nang malakas. Sabay-sabay namang sumagot ang mga Israelita, “Susundin namin ang lahat ng utos ni Yahweh.” Pagkatapos, kinuha ni Moises ang mga mangkok ng dugo at winisikan ang mga tao. Sinabi niya, “Ang dugong ito ang siyang katibayan ng pakikipagtipang ginawa sa inyo ni Yahweh sa pagbibigay sa inyo ng kautusang ito.” Umakyat nga sa bundok sina Moises, Aaron, Nadab, Abihu at ang pitumpung pinuno ng Israel. Doo'y nakita nila ang Diyos ng Israel. Ang kanyang tuntungan ay parang bughaw na safiro at nakakasilaw na parang langit. Ngunit walang masamang nangyari sa kanila kahit nakita nila ang Diyos. At sila'y kumain doon at uminom. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Umakyat ka rito. Maghintay ka at ibibigay ko sa iyo ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng mga kautusan at ng mga tagubilin. Sinulat ko ito upang maging tuntuning ituturo mo sa mga tao.” Umakyat nga si Moises, kasama ang lingkod niyang si Josue. Bago siya lumakad, sinabi niya sa mga pinuno ng Israel, “Hintayin ninyo kami rito. Kasama ninyong maiiwan sina Aaron at Hur; sila ang inyong lapitan sakaling magkaroon ng anumang usapin sa inyo.” Umakyat si Moises sa bundok at ito'y natakpan ng ulap. Ang Bundok ng Sinai ay nalukuban ng kaluwalhatian ni Yahweh; anim na araw itong nabalot ng ulap. Nang ikapitong araw, si Moises ay tinawag ni Yahweh mula sa gitna ng ulap. Nakita rin ng mga Israelita ang kaluwalhatian ni Yahweh na parang nagniningas na apoy sa taluktok ng bundok. At unti-unti siyang natakpan ng ulap habang umaakyat; nanatili siya sa bundok sa loob ng apatnapung araw at gabi. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na maghandog sila ng kaloob sa akin at tanggapin mo ang mga buong pusong inihandog nila. Ito ang kanilang ihahandog: ginto, pilak, tanso; lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula; mga pinong telang lino at hinabing balahibo ng kambing; balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, mainam na balat, at kahoy na akasya; langis para sa ilawan at pabangong panghalo para sa langis na pampahid at para sa insenso. Maghahandog din sila ng mga alahas na kornalina at mga mamahaling alahas na pampalamuti sa efod at sa pektoral ng pinakapunong pari. Ipagpagawa mo ako ng santuwaryo na titirhan kong kasama nila. Ang santuwaryo at ang lahat ng kagamitang ilalagay roon ay gagawin mo ayon sa planong ibibigay ko sa iyo. “Gumawa kayo ng isang kaban na yari sa akasya: 1.1 metro ang haba, 0.7 metro ang luwang, at 0.7 metro ang taas. Balutin ninyo ito ng lantay na ginto sa loob at labas, ang mga labi naman ay lagyan ninyo ng muldurang ginto. Gagawa rin kayo ng apat na argolyang ginto na ikakabit sa apat na paa ng kaban, tigalawa sa magkabila. Gumawa rin kayo ng kahoy na pampasan na yari sa akasya, babalutin din ito ng ginto at isuot ninyo ang mga ito sa mga argolya sa magkabilang gilid ng kaban upang maging pasanan nito. Huwag ninyong aalisin sa argolya ang mga pasanan. Ang dalawang tapyas na bato ng kasunduang ibibigay ko sa iyo ay ilalagay mo sa kaban. “Gumawa ka ng Luklukan ng Awa na yari sa purong ginto. Ang haba nito'y 1.1 metro, at 0.7 metro naman ang luwang. Lalagyan mo ng dalawang kerubing ginto ang dalawang dulo nito, tig-isa sa magkabilang dulo. Ihihinang ang mga kerubin upang ito at ang Luklukan ng Awa ay maging iisang piraso. Gawin mong magkaharap ang dalawang kerubin na parehong nakatungo, at nakabuka ang mga pakpak na nilulukuban ang Luklukan ng Awa. Ilalagay mo ito sa ibabaw ng kaban na kinalalagyan ng dalawang tapyas na bato ng kautusang ibibigay ko sa iyo. Doon tayo magtatagpo sa Luklukan ng Awa, sa pagitan ng dalawang kerubin; doon ko ibibigay sa iyo ang kautusan ko sa mga Israelita. “Gagawa ka rin ng isang mesang yari sa akasya na 0.9 metro ang haba, 0.5 metro ang lapad, at 0.7 metro ang taas. Balutan mo ito ng purong ginto at paligiran mo ng muldurang ginto. Lagyan mo ang gilid nito ng sinepa na singlapad ng isang palad at paligiran din ng muldurang ginto. Gumawa ka ng apat na argolyang ginto at ikabit mo sa apat na sulok, sa may tapat ng paa nito. Ang mga argolyang pagkakabitan ng mga kahoy na pampasan ay malapit sa sinepa. Gumawa rin kayo ng pampasan na yari sa akasya at babalutin din ito ng ginto. Gumawa rin kayo ng mga kagamitang ginto: plato, tasa, banga at mangkok para sa mga handog na inumin. Ang mga tinapay na handog ninyo sa akin ay ilalagay ninyo sa mesa sa harapan ko. “Gumawa kayo ng ilawang yari sa purong ginto. Ang patungan at tagdan nito'y yari sa pinitpit na purong ginto. Ang mga palamuti nitong bulaklak, ang buko at mga talulot ay parang iisang piraso. Lalagyan mo ito ng anim na sanga, tatlo sa magkabila. Bawat sanga'y lagyan mo ng tatlong magagandang bulaklak na parang almendra, may usbong at may talulot. Ang tangkay naman ay lagyan mo rin ng apat na bulaklak na tulad ng nasa sanga. Lalagyan mo ng usbong sa ilalim ng mga sanga, isa sa ilalim ng bawat dalawang sanga. Ang mga usbong, mga sanga, at ang tagdan ng ilawan ay gagawin ninyong isang piraso na gawa sa purong ginto. Gagawa kayo ng pitong ilaw para sa mga patungang ito. Iayos ninyo ito upang ang liwanag nito'y nasa harap ng ilawan. Ang pang-ipit ng mitsa at ang patungan ay dalisay na ginto rin. Sa lahat ng ito ay 35 kilong purong ginto ang gagamitin ninyo. Sundin mong mabuti ang planong ipinakita ko sa iyo sa bundok. “Para sa tabernakulo, gumawa ka ng sampung pirasong tela na yari sa telang lino na ihinabi sa lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula. Ito'y dapat burdahan ng larawan ng kerubin. Ang haba ng bawat piraso ay 13 metro at dalawang metro naman ang lapad. Pagkakabit-kabitin ninyo ito ng tiglilima. Ang tig-isang gilid nito'y lagyan ninyo ng silo na yari sa taling asul. Tiglilimampung silo ang ilagay ninyo sa bawat piraso. Gumawa ka ng limampung kawit na ginto at ang mga ito ang gagamitin ninyo para pagkabitin ang dalawang piraso. “Gumawa ka rin ng labing-isang pirasong kurtina na gawa sa balahibo ng kambing na siyang gagawing takip sa ibabaw ng tabernakulo. Bawat isa nito'y 13 metro ang haba at 2 metro naman ang lapad. Pagkabit-kabitin ninyo ang limang piraso at gayundin ang gawin sa anim na natitira. Ang ikaanim ay ilulupi at siyang ilalagay sa harap ng tolda. Bawat piraso ay palagyan mo ng tiglilimampung silo ang gilid. Gumawa ka ng limampung kawit na tanso at isuot mo sa mga silo para pagkabitin ang dalawang piraso upang maging isa lamang. Ang kalahating bahagi ng tabing ay ilaladlad sa likuran upang maging takip. Ang tig-kalahating metrong sobra sa mga tabi ay siyang takip sa gilid. Ito ay lalagyan pa ng dalawang patong ng pulang balat: ang ilalim ay balat ng tupang lalaki at ang ibabaw ay balat na mainam. “Ang tabernakulo'y igawa mo ng mga patayong haligi na gawa sa akasya; bawat haligi ay 4 na metro ang haba at 0.7 metro naman ang lapad. Bawat haligi ay lagyan mo ng tigalawang mitsa para sa pagdurugtong. Sa gawing timog, dalawampung haligi ang ilagay mo at ikabit sa apatnapung patungang pilak, dalawang patungan sa bawat haligi. Dalawampung haligi rin ang gawin mo para sa gawing hilaga at apatnapung patungan, dalawa rin sa bawat haligi. Sa likod naman, sa gawing kanluran ay anim na haligi ang ilagay mo at dalawa para sa mga sulok. Ang mga haliging panulok ay pagkabitin mo mula sa ibaba hanggang sa may argolya sa itaas. Kaya, walong lahat ang haligi sa likuran at labing-anim naman ang patungan. “Gagawa ka rin ng pahalang na haligi na yari sa akasya, lima sa isang tabi, lima sa kabila, at lima sa likod, sa gawing kanluran. Ang mga pahalang na haliging panggitna ay abot sa magkabilang dulo ng dingding. Ang mga patayong haligi ay balutin mo ng ginto at kabitan ng mga argolyang ginto na pagsusuutan ng mga pahalang na haligi na binalot din ng ginto. Gawin mo ang tabernakulo ayon sa planong ipinakita ko sa iyo sa bundok. “Gumawa ka ng kurtinang yari sa puting lino at lanang asul, kulay ube at kulay pula. Burdahan mo ito ng larawan ng kerubin. Isabit mo ito sa mga kawit na ginto na nakakabit sa apat na haliging akasya na binalot din ng ginto at nakatindig sa apat na patungang pilak. Isabit mo ang tabing na ito sa tapat ng kawit sa bubong ng tabernakulo at ilagay sa likod ng tabing ang Kaban ng Tipan. Ang tabing na ito ang siyang maghihiwalay sa Dakong Banal at sa Dakong Kabanal-banalan. Ang Luklukan ng Awa ay ilagay mo sa ibabaw ng Kaban ng Tipan na nasa Dakong Kabanal-banalan. Ang mesa ay ilagay mo sa labas ng kurtina, sa gawing hilaga ng Dakong Banal at sa gawing timog naman ang patungan ng ilaw. “Ang pintuan ng tabernakulo'y lagyan mo ng kurtinang iba't ibang kulay na hinabi sa lanang asul, kulay ube at kulay pula, at telang lino. Ito'y buburdahan nang maganda. Gumawa ka ng limang posteng akasya para sa tabing. Balutin mo ito ng ginto, kabitan ng argolyang ginto at itayo sa limang tuntungang tanso. “Gumawa ka ng isang altar na yari sa punong akasya; 2.2 metro ang haba, ganoon din ang lapad, at ang taas ay 1.3 metro. Ang apat na sulok niyon ay lagyan mo ng tulis na parang sungay. Gawin mo itong kaisang piraso ng altar at balutin mo ng tanso. Gumawa ka rin ng mga kagamitang tanso para sa altar: lalagyan ng abo ng sinunog na taba, ng pala, palanggana, malaking tinidor at lalagyan ng apoy. Gumawa ka rin ng parilyang tanso, at ang bawat sulok nito ay kabitan mo ng isang argolyang tanso na siyang bitbitan, at ikabit mo ang parilya sa ilalim ng tuntungan ng altar. Gumawa rin kayo ng pampasan na yari sa punong akasya at babalutin din ng tanso. Isuot mo ang mga ito sa mga argolya ng altar kung ito'y kailangang buhatin. Kaya nga't ang altar na gagawin mo ay may guwang sa gitna, ayon sa planong ipinakita ko sa iyo sa bundok. “Ang tabernakulo'y igawa mo ng bulwagang tatabingan ng mamahaling lino sa paligid. Sa gawing timog ay 45 metro ang haba ng tabing na isasabit sa dalawampung posteng tanso na nakatindig sa dalawampung patungang tanso. Pilak naman ang mga kawit ng poste, gayon din ang mga baras na sabitan. Ang ilalagay sa gawing hilaga ay tulad din ng nasa gawing timog; 45 metro ang haba ng mga tabing na nakasabit sa dalawampung posteng tanso na nakatindig sa dalawampung patungang tanso. Pilak naman ang mga kawit ng poste, gayon din ang baras. Sa gawing kanluran naman, 22 metro ang haba ng tabing na isasabit sa sampung posteng nakatindig sa sampung patungan. Ang luwang ng harapan sa gawing silangan ay 22 metro rin. Ang isang tabi ng pintuan nito'y lalagyan ng kurtinang may habang 6.6 na metro, na nakasabit sa tatlong posteng nakapatong sa tatlong tuntungan. Ganoon din sa kabilang gilid, 6.6 na metro ang haba ng kurtinang nakasabit sa tatlong posteng may kanya-kanyang tuntungan. Ang kurtina naman sa mismong pinto ay 9 na metro ang haba, yari sa kulay asul, kulay ube at pulang lana, pinong lino na maganda ang burda. Isasabit ito sa apat na posteng nakatuntong sa apat na patungan. Lahat ng poste sa bulwagan ay pagkakabitin ng baras na pilak; pilak din ang mga kawit ngunit tanso ang mga tuntungan. Ang haba ng bulwagan ay 45 metro at 22 metro naman ang luwang. Ang mga tabing na pawang yari sa mamahaling lino ay 2.2 metro ang taas; ang mga patungan ay pawang tanso. Lahat ng kagamitan sa tabernakulo, pati mga tulos ay panay tanso. “Pagdalhin mo ang mga Israelita ng pinakamainam na langis ng olibo para sa mga ilaw upang ito'y manatiling nagniningas. Aalagaan ito ni Aaron at ng kanyang mga anak sa Toldang Tipanan. Ito'y ilalagay sa labas ng tabing, sa tapat ng Kaban ng Tipan. Hindi nila ito pababayaang mamatay mula hapon hanggang umaga at habang panahong gagawin ito ng mga Israelita at ng kanilang buong lahi. “Ipatawag mo ang kapatid mong si Aaron at ang mga anak niyang sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. Ibukod mo sila sa karamihan ng mga Israelita upang maglingkod sa akin bilang mga pari. Ipagpagawa mo ang kapatid mong si Aaron ng maganda at marangal na kasuotang nararapat sa kanyang banal na gawain. Ang mga kasuotang ito ay ipagawa mo sa mga taong binigyan ko ng kahusayan sa paggawa nito. Kailangan ito ni Aaron sa paglilingkod sa akin bilang pari. Ito ang kasuotang ipapagawa mo: pektoral, efod, abito, mahabang panloob na kasuotan, turbante at pamigkis. Ipagpagawa mo ng sagradong kasuotan si Aaron at ang mga anak niyang lalaki upang magamit nila sa paglilingkod sa akin bilang mga pari. Ang mga kasuotang ipapagawa mo ay gagamitan ng ginto, lanang asul, murado at pula, at pinong sinulid na lino. “Ang efod ay gagawin nilang yari sa ginto, lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula, at hinabing telang lino at buburdahan nang maganda. Palagyan mo ito ng dalawang tali sa balikat na siyang magdudugtong sa harap at likod. Kabitan ito ng pamigkis na yari din sa ginto, lanang asul, kulay ube at pula, at hinabing telang lino. “Kumuha ka ng dalawang batong kornalina at ipaukit mo roon ang pangalan ng labindalawang anak na lalaki ni Israel, tig-anim sa bawat bato ayon sa pagkakasunod ng kanilang kapanganakan. Ipagawa mo ito sa mahusay na platero at ipakabit mo ito sa lalagyang ginto. Ikakabit ito sa tali sa balikat ng efod bilang tagapagpaalala sa labindalawang anak na lalaki ni Israel. Sa ganitong paraan, dadalhin ni Aaron sa kanyang mga balikat ang mga pangalan ng labindalawang lipi ni Israel upang sila'y maalala ni Yahweh. “Magpapagawa ka rin ng dalawa pang patungang ginto, at dalawang nilubid na ginto na ikakabit mo sa dalawang patungan. “Gumawa ka rin ng pektoral na gagamitin ng pinakapunong pari sa pag-alam ng kalooban ni Yahweh. Buburdahan ito nang maganda, tulad ng sa efod. Ang gagamitin dito'y ginto, lanang kulay asul, kulay ube at pula, at telang lino. Gawin mo itong parisukat at magkataklob: 0.2 metro ang haba, at ganoon din ang lapad. Lagyan ito ng apat na hilera ng mga mamahaling bato. Sa unang hilera ay rubi, topaz at karbungko. Sa ikalawang hilera naman ay esmeralda, safiro at brilyante. Sa ikatlong hilera ay jacinto, agata at ametista. At sa ikaapat na hilera ay berilo, kornalina at jasper. Ang mga ito'y ikakabit sa patungang ginto. Labindalawa lahat ang batong gagamitin upang kumatawan sa labindalawang anak ni Israel. Tulad ng isang pantatak, sa bawat bato'y nakaukit nang maganda ang pangalan ng bawat anak na lalaki ni Israel. Gumawa ka ng dalawang maliliit na lubid na ginto at ikabit mo sa pektoral. Kabitan mo ito ng dalawang argolyang ginto sa mga sulok sa itaas, at dito itatali ang dalawang lubid na ginto. Ang kabilang dulo ng mga ito ay ikakabit naman sa dalawang patungang ginto na nasa tali sa balikat ng efod, sa gawing harapan. Kabitan mo rin ng tig-isang argolyang ginto sa magkabilang sulok sa ibaba, sa bandang loob, malapit sa efod. Gumawa ka ng dalawa pang argolyang ginto, ikabit mo ito sa tali sa balikat ng efod, sa harapan, sa tabi ng dugtungan, sa gawing itaas ng pamigkis. Ang argolya ng pektoral at ang argolya ng efod ay pagkakabitin ng lubid na asul para huwag magkahiwalay. “Kaya, pagpasok ni Aaron sa Dakong Banal na suot ang pektoral, dala niya, sa tapat ng kanyang puso, ang pangalan ng mga lipi ng Israel upang sila'y maalala ni Yahweh. Ilalagay naman sa pektoral ang Urim at Tumim upang ito'y nasa tapat din ng puso ni Aaron pagharap niya kay Yahweh. Tuwing siya'y haharap kay Yahweh, dala niya sa tapat ng kanyang puso ang kagamitan sa pag-alam ng kalooban ko para sa Israel. “Gumawa rin kayo ng damit na ilalagay sa ilalim ng efod. Ito'y yari sa telang kulay asul. Lalagyan ito ng butas sa suotan ng ulo at lalagyan ng tupi ang paligid ng butas tulad ng karaniwang baro, upang hindi matastas. Gagawa ka ng palawit na parang bunga ng punong granada na yari sa lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula, at ikakabit mo sa laylayan. Pagkatapos, lagyan mo ng kampanilyang ginto ang pagitan ng mga palawit. Ang magiging ayos nito ay isang hanay ng magkasalit na kampanilya at palawit sa buong laylayan. Ito'y isusuot ni Aaron tuwing gaganap ng tungkulin bilang pari upang marinig ang tunog ng kampanilya tuwing siya'y papasok at lalabas sa Dakong Banal ni Yahweh. Sa gayon, hindi siya mamamatay. “Gumawa ka rin ng isang palamuting ginto na may nakaukit na ganito: ‘Inilaan kay Yahweh.’ Itali mo ito ng asul na lubid sa turbante, sa tapat ng noo ni Aaron; siya ang magdadala ng anumang pagkukulang ng mga Israelita sa kanilang paghahandog kay Yahweh. Sa gayo'y magiging kalugud-lugod sa kanya ang kanilang mga handog. “Ipagpagawa mo si Aaron ng mahabang panloob na kasuotan at turbanteng yari sa telang lino at pamigkis na buburdahan nang maganda. “Ang mga anak naman ni Aaron ay ipagpapagawa mo ng mahabang panloob na kasuotan, pamigkis at karaniwang turbante upang sila'y maging kagalang-galang at maayos tingnan. Ipasuot mo ito sa kapatid mong si Aaron at sa kanyang mga anak na lalaki. Buhusan mo sila ng langis, italaga at ilaan sa paglilingkod sa akin bilang mga pari. Ipagpapagawa mo rin sila ng linong salawal na hanggang hita para hindi makita ang kanilang kahubaran. Si Aaron at ang mga anak niyang lalaki ay magsusuot nito pagpunta sa Toldang Tipanan o paglapit sa altar sa Dakong Banal para hindi magkasala at nang hindi sila mamatay. Mananatili itong tuntunin para kay Aaron at sa kanyang salinlahi. “Ganito ang gagawin mo sa paglalagay kay Aaron at sa kanyang mga anak na lalaki sa tungkulin bilang mga pari: Kumuha ka ng isang batang toro at dalawang lalaking tupa na walang kapintasan. Kumuha ka rin ng tinapay na walang pampaalsa, bibingkang walang pampaalsa at minasa sa langis, at manipis na tinapay na wala ring pampaalsa at pinahiran ng langis. Lahat ng ito'y kailangang yari sa pinakamainam na harinang trigo. Ilagay mo ito sa isang basket at ihandog sa akin, kasama ng batang toro at ng dalawang lalaking tupa. “Isama mo si Aaron at ang kanyang mga anak na lalaki sa pintuan ng Toldang Tipanan at maligo sila roon. Isuot mo sa kanya ang mahabang panloob na kasuotan, ang damit bago ang efod, ang efod at ang pektoral, saka itali ang pamigkis ng efod. Isuot mo kay Aaron ang turbante at ikabit rito ang koronang kinasusulatan ng katagang “Inilaan kay Yahweh”. Bilang pagtatalaga, kunin mo ang langis na pantalaga at buhusan mo ang kanyang ulo. “Pagkatapos ni Aaron, ang kanyang mga anak naman ang iyong itatalaga. Isuot mo sa kanila ang mahabang panloob na kasuotan, itali ang mga pamigkis sa kanilang baywang, at ilagay ang turbante sa kanilang mga ulo. Sa gayon, magiging pari sila sa bisa ng aking utos. Ganyan ang gagawin mo sa pagtatalaga kay Aaron at sa kanyang mga anak. “Dalhin mo sa harap ng Toldang Tipanan ang batang toro. Ipapatong ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo ng torong ito. Papatayin mo ang batang toro sa harapan ni Yahweh, sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Kumuha ka ng kaunting dugo nito at sa pamamagitan ng iyong daliri, pahiran mo ng dugo ang mga sungay ng altar. Ang matitirang dugo ay ibuhos mo sa paanan ng altar. Pagkatapos, kunin mo ang taba ng mga laman-loob, ang taba ng atay at ang dalawang bato kasama ng taba nito, at sunugin mo sa altar bilang handog. Ang balat, ang karne at ang dumi ay susunugin sa labas ng kampo sapagkat ito'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan. “Kunin mo ang isa sa dalawang lalaking tupa at ipatong sa ulo nito ang kamay ni Aaron at ng kanyang mga anak. Patayin mo ang tupa, kumuha ka ng kaunting dugo at iwisik mo sa mga gilid ng altar. Pagkatapos, katayin mo ang tupa, hugasan ang mga laman-loob nito pati ang mga paa, at ipatong mo ito sa altar kasama ang ibang bahagi nito at ang ulo. Sunugin mo ang mga ito sa altar upang ang usok nito'y maging mabangong samyo para kay Yahweh. “Kunin mo ang isa pang tupa at ipapatong din sa ulo nito ang kamay ni Aaron at ng kanyang mga anak. Patayin mo ang tupa at sahurin ang dugo. Pahiran mo nito ang lambi ng kanang tainga ni Aaron at ng kanyang mga anak at ang hinlalaki ng kanang kamay at paa. Ang dugong matitira ay iwisik mo sa lahat ng gilid ng altar. Kumuha ka ng kaunting dugo sa altar at kaunting langis na pantalaga. Iwisik mo ito kay Aaron at sa kanyang mga anak, pati sa kanilang kasuotan. Sa ganitong paraan, siya at ang kanyang mga anak pati ang kanilang kasuotan ay nakalaan para kay Yahweh. “Kunin mo ang taba ng tupa: ang taba sa buntot, ang tabang nakabalot sa laman-loob, ang taba ng atay, ang dalawang bato kasama ang taba at ang kanang hita. Kumuha ka ng isang tinapay, isang tinapay na hinaluan ng langis, at isang manipis na tinapay. Ang mga tinapay na ito ay walang pampaalsa at nakalagay sa basket na nasa altar ni Yahweh. Lahat ng ito'y pahawakan mo kay Aaron at sa kanyang mga anak upang ialay nila bilang natatanging handog kay Yahweh. Pagkatapos, kunin mo ito sa kanila at sunugin sa altar, sa ibabaw ng handog na sinusunog, upang ang usok nito'y maging mabangong samyo sa akin. “Kunin mo ang parteng dibdib ng tupang ito, at ialay mo bilang natatanging handog kay Yahweh; ito naman ang bahaging nakalaan para sa iyo. “Iaalay mo bilang natatanging handog ang dibdib at ang hitang para kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ito ay magiging tuntuning magpakailanman para kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ang mga bahaging nabanggit na para sa kanila ay mula sa handog pangkapayapaan ng mga Israelita. “Pagkamatay ni Aaron, ang sagrado niyang kasuotan ay ibibigay sa kanyang mga anak. Ang kasuotang ito ang gagamitin nila sa panahon na sila ay italaga at buhusan ng langis. Pitong araw na isusuot ito ng sinumang hahalili kay Aaron pagpasok nito upang maglingkod sa Toldang Tipanan. “Kunin mo ang tupang ginamit sa pagtatalaga at ilaga mo ito sa isang sagradong lugar. Ipakain mo ito kay Aaron at sa kanyang mga anak, kasama ng tinapay na nasa basket, doon sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Kakainin nila ang inihandog para sa kapatawaran ng kasalanan nang sila'y italaga. Mga pari lamang ang kakain nito sapagkat ito'y sagrado. Kung hindi maubos ang tupa o ang tinapay, sunugin ito kinaumagahan at huwag kakainin sapagkat ito'y sagrado. “Sundin mong lahat ang iniutos ko sa iyo tungkol sa pagtatalaga kay Aaron at sa kanyang mga anak; pitong araw mo itong gagawin. Araw-araw, maghahandog ka ng isang bakang lalaki para sa pagpapatawad ng kasalanan. Gagawin mo ito upang maalis ang kasalanan sa altar. Pagkatapos, buhusan mo ito ng langis upang maging sagrado. Pitong araw kang maghahandog ukol sa kasalanan at pagtatalaga. Pagkatapos, ito'y ituturing na ganap na sagrado at anumang malagay rito ay magiging sagrado. “Ganito ang gagawin mong paghahandog sa altar araw-araw: kumuha ka ng dalawang tupang isang taon ang gulang at iyong ihandog, isa sa umaga, isa sa hapon. Ang ihahandog sa umaga ay samahan mo ng kalahating salop na pinakamainam na harinang minasa sa isang litrong langis. Maglagay ka rin ng isang litrong alak bilang handog na inumin. Ang ihahandog naman sa hapon ay samahan mo rin ng handog na pagkaing butil at inumin upang ang usok nito'y maging mabangong samyo para kay Yahweh. Ang paghahandog na ito'y gagawin ninyo habang panahon. Gaganapin ninyo ito sa harapan ko, sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Doon ko kayo tatagpuin. Doon ako makikipag-usap sa inyo. Doon ko nga tatagpuin ang mga Israelita at ang pook na iyon ay pababanalin ng aking kaluwalhatian. Gagawin kong sagrado ang Toldang Tipanan, ganoon din ang altar, at ibubukod ko si Aaron at ang kanyang mga anak na lalaki upang maglingkod sa akin bilang mga pari. Ako'y makakasama nila at ako ang magiging Diyos nila. Makikilala nilang ako si Yahweh, ang Diyos na nagligtas sa kanila sa Egipto. Maninirahan akong kasama nila; ako si Yahweh, ang kanilang Diyos. “Gumawa ka ng altar na gawa sa akasya na sunugan ng insenso. Gawin mo itong parisukat: 0.5 metro ang haba, gayundin ang luwang at 0.9 na metro ang taas. Ang apat na sulok nito ay lalagyan mo ng sungay na kaisang piraso ng altar. Balutin mo rin ng purong ginto ang ibabaw, mga gilid, at ang mga sungay nito. Kabitan ito ng argolyang ginto sa magkabilang gilid, at sa ibaba para pagsuutan ng pampasan na yari sa punong akasya at babalutin din ng ginto. Pagkayari, ilagay ito sa labas ng kurtina ng Kaban ng Tipan at ng Luklukan ng Awa. Dito ko kayo tatagpuin. Tuwing umaga na aayusin ni Aaron ang ilawan, magsusunog siya rito ng insenso. Ganoon din ang gagawin niya kung gabi kapag inihahanda niya ang ilawan. Patuloy ninyo itong gagawin sa lahat ng inyong salinlahi. Huwag kayong magsusunog dito ng insensong iba sa iniuutos ko. Huwag din kayong magdadala rito ng handog na susunugin, maging hayop, pagkaing butil o inumin. Minsan isang taon, gaganapin ni Aaron ang seremonya sa pagpapatawad ng kasalanan. Ang apat na tulis ng altar ay papahiran ng dugo ng hayop na handog para sa kasalanan. Gawin ninyo ito habang panahon. Ang altar na ito'y ganap na sagrado at nakalaan kay Yahweh.” Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pagkuha mo ng sensus ng mga Israelita, bawat isa'y hingan mo ng pantubos sa kanilang buhay. Ihahandog nila ito sa akin para walang kapahamakang umabot sa kanila habang ginagawa ang sensus. Lahat ng mabilang sa sensus ay magbabayad ng kinakailangang timbang ng pilak ayon sa timbangan ng templo (ang kinakailangang timbang ay katumbas ng 6 na gramo), bilang handog sa akin. Lahat ng may dalawampung taon at pataas ay isasama sa sensus. Pareho ang halagang ibabayad na pantubos ng mayayaman at ng mahihirap, walang labis at walang kulang. Lahat ng ibabayad nila ay gagamitin sa mga kailangan sa Toldang Tipanan. Ang halagang ibibigay nila'y pantubos ng kanilang buhay, at sa pamamagitan nito, maaalala ko ang mga Israelita.” Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Gumawa ka rin ng palangganang tanso at ng tansong patungan nito. Ilagay mo ito sa pagitan ng altar at ng Toldang Tipanan. Pagkatapos, lagyan mo ito ng tubig. Ito ang gagamitin ni Aaron at ng kanyang mga anak sa paghuhugas ng kanilang paa't kamay. Kailangang sila'y maghugas bago pumasok sa Toldang Tipanan o bago magsunog ng handog sa altar. Kung hindi, sila'y mamamatay. Kailangan ngang maghugas muna sila ng paa't kamay upang hindi sila mamatay. Ito'y tuntuning susundin nila at ng kanilang lahi habang panahon.” Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumili ka ng pinakamainam na pabango: 6 na kilong mira, 3 kilong kanela at 3 kilong mabangong tubó at 6 na kilong kasia ayon sa sukatang gamit sa templo. Pagkatapos, kumuha ka ng 4 na litrong langis ng olibo. Paghalu-haluin mo ito tulad ng ginagawa ng mahuhusay na manggagawa ng pabango at gagamitin mo itong pampahid upang maging sagrado ang Toldang Tipanan at ang Kaban ng Tipan, ganoon din ang mesa at lahat ng kagamitan nito, ang ilawan at mga kasangkapang kaugnay nito at ang altar na sunugan ng insenso. Pahiran mo rin ang altar na sunugan ng mga handog at mga kasangkapan nito, ang palangganang hugasan at ang patungan nito. Ganyan ang gagawin mo sa mga kasangkapang nabanggit upang ang mga ito'y maging ganap na sagrado; magiging sagrado rin ang lahat ng maisagi rito. “Pagkatapos, si Aaron naman at ang kanyang mga anak ang bubuhusan ng langis na ito upang lubos silang maitalaga bilang mga pari. Sabihin mo sa mga Israelita na ang langis na ito'y banal at siya ninyong gagamitin habang panahon. Huwag ninyo itong gagamitin sa karaniwang tao at huwag gagayahin ang paggawa nito. Ito'y banal at dapat igalang. Ititiwalag ang sinumang gumaya nito at ang sinumang gumamit nito sa dayuhan.” Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Kumuha ka ng magkakasindaming pabango ng estacte, onise, galbano at purong insenso. Paghalu-haluin mo ito at gawing insenso tulad ng ginagawa ng mahusay na manggagawa ng pabangong inasinan, malinis, at banal. Dikdikin mo nang pino ang kaunti nito at ilagay sa harap ng Kaban ng Tipan, sa Toldang Tipanan. Ituring mo itong ganap na sagrado. Huwag ninyong gagayahin ito kung gagawa kayo ng insenso na pansariling gamit. Aariin ninyong ito'y bukod-tangi para kay Yahweh. Ititiwalag ang sinumang gumamit nito bilang pabango.” Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pinili ko si Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur na mula sa lipi ni Juda. Pinuspos ko siya ng aking Espiritu at binigyan ng kakayahan, kahusayan at katalinuhan sa lahat ng gawaing pansining. Ginawa ko ito upang makagawa siya ng magagandang disenyo at maiukit ito sa ginto, pilak o tanso. Gayundin, upang maging bihasa siya sa pagtabas ng mamahaling bato, mahusay sa paglilok, at dalubhasa sa anumang gawaing pansining. Pinili ko rin para makatulong niya si Aholiab, anak ni Ahisamac na mula naman sa lipi ni Dan. Binigyan ko rin ng kakayahan ang ibang mahuhusay na manggagawa upang sila ang gumawa ng lahat ng iniuutos ko sa iyo. Sila ang gagawa ng Toldang Tipanan, ng Kaban ng Tipan, ng Luklukan ng Awa at lahat ng kasangkapan sa tabernakulo. Sila rin ang gagawa ng mesang patungan ng handog na pagkaing butil at ng lahat ng kagamitan nito; ng ilawang ginto at mga kagamitan nito; ng altar na sunugan ng insenso; ng altar na sunugan ng mga handog at ang mga kasangkapan nito; ng palangganang hugasan at ng patungan nito. Sila ang gagawa ng mga kasuotan ni Aaron at ng kanyang mga anak. Sila rin ang maghahalo ng langis na pampahid at ng insenso para sa Dakong Banal. Sundin mong lahat ang sinasabi kong ito sa iyo.” Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na ipangilin ang Araw ng Pamamahinga sapagkat ito ang magsisilbing palatandaan sa inyo at sa inyong mga salinlahi na kayo'y aking pinili para maging bayan ko. Ipangilin ninyo ang Araw ng Pamamahinga sapagkat ito'y sagrado. Papatayin ang sinumang hindi magpahalaga rito at ititiwalag ang sinumang magtrabaho sa araw na ito. Anim na araw kayong magtatrabaho ngunit ang ikapitong araw ay araw ng ganap na pamamahinga at nakalaan para sa akin. Papatayin ang sinumang magtrabaho sa araw na iyon. Ipangingilin ito ng lahat ng inyong salinlahi bilang tanda ng tipan. Ito'y isang palatandaan ko at ng bansang Israel, at ito'y mananatili habang panahon. Sapagkat sa loob ng anim na araw, nilikha ko ang langit at ang lupa at nagpahinga ako sa ikapitong araw.” Matapos sabihin ni Yahweh kay Moises ang lahat ng ito sa Bundok ng Sinai, ibinigay niya rito ang dalawang tapyas na batong kinasusulatan ng Kautusan na si Yahweh mismo ang sumulat. Nang magtagal si Moises sa bundok, ang mga Israelita'y lumapit kay Aaron. Sinabi nila, “Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin. Hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa Moises na iyan na naglabas sa amin sa Egipto.” “Kung gayon, tipunin ninyo ang mga hikaw na ginto ng inyong asawa't mga anak at dalhin sa akin,” sagot ni Aaron. Ganoon nga ang kanilang ginawa. Kinuha ni Aaron ang mga hikaw at tinunaw; ibinuhos niya sa isang hulmahan at ginawang hugis ng guya. Pagkayari, sinabi nila: “Israel, narito ang diyos mong naglabas sa iyo sa Egipto!” Nang ito'y makita ni Aaron, gumawa siya ng altar sa harap nito at sinabi sa mga tao, “Ipagpipista natin bukas si Yahweh.” Kinabukasan, maaga silang bumangon at naghandog ng mga hayop at sinunog sa altar. Nagpatay pa sila ng hayop na kanilang pinagsalu-saluhan. Sila'y nagpakabusog, nag-inuman at mahalay na nagkasayahan. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Balikan mo ngayon din ang mga Israelitang inilabas mo sa Egipto, sapagkat itinakwil na nila ako. Tinalikdan nila agad ang mga utos ko. Gumawa sila ng guyang ginto. Iyon ang sinasamba nila ngayon at hinahandugan. Ang sabi nila'y iyon ang diyos na naglabas sa kanila sa Egipto. Kilala ko ang mga taong iyan at alam kong matitigas ang kanilang ulo. Hayaan mong lipulin ko sila at ikaw at ang iyong lahi'y gagawin kong isang malaking bansa.” Nagmakaawa si Moises kay Yahweh: “Huwag po! Huwag ninyong lilipulin ang mga taong inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong dakilang kapangyarihan. Kapag nilipol ninyo sila, masasabi ng mga Egipcio na ang mga Israelita'y inilabas ninyo sa Egipto upang lipulin sa kabundukan. Huwag na po kayong magalit sa kanila at huwag na ninyong ituloy ang inyong parusa sa kanila. Alalahanin ninyo ang mga lingkod ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob. Ipinangako ninyo sa kanila na ang lahi nila'y pararamihing tulad ng mga bituin sa langit at magiging kanila habang panahon ang lupang ipinangako ninyo.” Hindi nga itinuloy ni Yahweh ang balak na paglipol sa mga Israelita. Pagkaraan noon, si Moises ay bumalik mula sa bundok dala ang dalawang tapyas na batong kinasusulatan ng mga utos. Ang Diyos mismo ang gumawa ng dalawang tapyas na bato at nag-ukit ng mga utos na nakasulat doon. Nang pabalik na sila, narinig ni Josue ang sigawan ng mga tao. Sinabi niya kay Moises, “May ingay ng labanan sa kampo.” “Ang naririnig ko'y hindi sigaw ng tagumpay o ng pagkatalo, kundi awitan,” sagot ni Moises. Nang sila'y malapit na sa kampo, nakita ni Moises ang guya at ang mga taong nagsasayawan. Dahil dito, nagalit siya. Ibinalibag niya sa paanan ng bundok ang mga tapyas na bato at ito'y nadurog. Kinuha niya ang guya at sinunog. Pagkatapos, dinurog niya ito nang pino saka ibinuhos sa tubig at ipinainom sa mga Israelita. Hinarap niya si Aaron, “Ano bang ginawa nila sa iyo at pumayag kang gawin ang malaking kasalanang ito?” Sumagot si Aaron, “Huwag ka nang magalit sa akin, kapatid ko. Alam mo naman kung gaano katigas ang kanilang ulo. Ayaw nilang paawat sa paggawa ng kasamaang ito. Sinabi nila sa akin na igawa ko sila ng mga diyos na mangunguna sa kanila sapagkat hindi raw nila alam kung ano na ang nangyari sa iyo. Kaya't tinanong ko sila kung sino ang may ginto. Ibinigay naman nila sa akin ang mga alahas, tinunaw ko sa apoy at lumabas ang guyang iyon.” Nakita ni Moises na nagkakagulo ang mga tao sapagkat sila'y pinabayaan ni Aaron na sumamba sa diyus-diyosan. At naging katawatawa sila sa paningin ng mga kaaway na nakapaligid. Kaya't tumayo si Moises sa pintuan ng kampo at sumigaw, “Lumapit sa akin ang lahat ng nasa panig ni Yahweh!” At lumapit sa kanya ang mga Levita. Sinabi niya sa kanila, “Ipinapasabi ni Yahweh, ng Diyos ng Israel: ‘Kunin ninyo ang inyong mga tabak, galugarin ninyo ang buong kampo at patayin ang lahat ng inyong makita, maging kapatid, kaibigan o sinuman.’” Sinunod ng mga Levita ang utos ni Moises at may tatlong libong katao ang napatay nila nang araw na iyon. Sinabi ni Moises, “Ngayo'y inilaan ninyo ang inyong mga sarili sa paglilingkod kay Yahweh dahil sa pagkapatay ninyo sa inyong mga anak at mga kapatid. Kaya, tatanggapin ninyo ngayon ang kanyang pagpapala.” Kinabukasan, sinabi ni Moises sa mga tao, “Napakalaki ng nagawa ninyong kasalanan. Aakyat ako ngayon sa bundok at mananalangin kay Yahweh, baka sakaling maihingi ko kayo ng tawad.” Umakyat nga sa bundok si Moises at nanalangin kay Yahweh. Sinabi niya, “Napakalaking pagkakasala ang nagawa ng mga tao; gumawa sila ng diyus-diyosang ginto. Ipinapakiusap ko pong patawarin na ninyo sila. Kung hindi ninyo sila mapapatawad, burahin na rin ninyo sa inyong aklat ang aking pangalan.” Sumagot si Yahweh, “Kung sino ang nagkasala sa akin ay siya kong buburahin sa aking aklat. Ngayon, pangunahan mo sila sa lugar na sinabi ko sa iyo at papatnubayan kayo ng aking anghel. Ngunit darating ang araw na paparusahan ko ang mga Israelita dahil sa kanilang mga kasalanan.” At pinadalhan ni Yahweh ng sakit ang mga tao sapagkat pinagawa nila ng guya si Aaron. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Umalis na kayo rito at magtuloy sa lupaing aking ipinangako kina Abraham, Isaac at Jacob na ibibigay ko sa kanilang lahi. Nang malaman ito ng mga Israelita, labis silang nalungkot at isa ma'y walang nagsuot ng alahas. Sapagkat sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na matitigas ang ulo nila. Baka kung ako ang sasama sa kanilang paglalakbay ay malipol ko lang sila. Ipaalis mo ang kanilang mga alahas, at pagkatapos ay magpapasya ako kung ano ang gagawin ko sa kanila.” Kaya't mula sa Bundok ng Sinai, hindi na sila nagsuot ng alahas. Nakaugalian na ni Moises na itayo ang tabernakulo sa isang lugar na malayu-layo sa kampo; tinawag iyong Toldang Tipanan ng Diyos at ng mga tao. Doon pumupunta ang sinumang nais sumangguni kay Yahweh. Tuwing papasok doon si Moises, ang mga Israelita'y tumatayo sa pintuan ng kanilang tolda at tinitingnan siya hanggang sa siya'y makapasok. Kapag nasa loob na si Moises, bumababa naman sa may pinto ng Toldang Tipanan ang haliging ulap at mula roo'y makikipag-usap sa kanya si Yahweh. Kapag nakita ng mga Israelita na nasa pintuan ng Tolda ang haliging ulap, pumupunta naman sila sa pintuan ng kanilang tolda at doo'y yumuyuko at sumasamba. Ang pakikipag-usap ni Yahweh kay Moises ay harap-harapan, tulad ng pakikipag-usap sa kaibigan. Pagkatapos, si Moises ay bumabalik na sa kampo ngunit naiiwan sa Tolda si Josue, ang lingkod niya. Sinabi ni Moises kay Yahweh, “Iniutos ninyo sa aking pangunahan ko ang bayang ito papunta sa lupaing ipinangako ninyo. Ngunit hindi ninyo sinabi kung sino ang makakatulong ko. Sinabi pa ninyong nalulugod po kayo sa akin at kilalang-kilala ninyo ako. Kung ito'y totoo, ipinapakiusap kong sabihin ninyo sa akin ang inyong mga balak gawin para malaman ko upang patuloy kayong malulugod sa akin. Alalahanin din ninyo na ang bayang Israel ay inyo.” “Sasamahan ko kayo at bibigyan ko kayo ng kapayapaan,” sagot ni Yahweh. Sinabi ni Moises, “Kung hindi ninyo kami sasamahan, huwag na po ninyo kaming paalisin dito. Sapagkat kung hindi kayo sasama sa amin, paano malalaman ng lahat na kami po ay inyong kinalulugdan? Kung sasama kayo sa amin, maliwanag na kami'y naiiba sa lahat ng mga bansa.” “Sige, gagawin ko ang hiling mo sapagkat ako'y nalulugod sa iyo at kilalang-kilala kita,” sabi ni Yahweh. Kaya't hiniling ni Moises, “Yahweh, ipakita po ninyo sa akin ang inyong kaluwalhatian!” “Makikita mong lahat ang aking kaluwalhatian at bibigkasin ko sa iyo ang aking pangalan: Yahweh. Mahahabag ako sa nais kong kahabagan at maaawa ako sa nais kong kaawaan, ngunit hindi mo maaaring makita ang aking mukha sapagkat tiyak na mamamatay ang sinumang makakita niyon. Dito sa tabi ko'y may matatayuan kang bato. Pagdaan ng aking maningning na kaluwalhatian, ipapasok kita sa siwang ng batong ito at tatakpan kita ng aking kamay. Pagkalampas ko'y aalisin ko na ang aking kamay at makikita mo ang likod ko, ngunit hindi ang aking mukha,” sagot ni Yahweh. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Tumapyas ka ng dalawang batong tulad noong una at isusulat ko roon ang nasa mga tapyas na batong binasag mo. Bukas, gumayak ka nang maaga at magpunta ka sa akin sa taluktok ng Bundok ng Sinai. Huwag kang magsasama kahit sino. Walang pupunta isa man sa bundok at ni isang tupa o baka ay huwag hahayaang manginain doon.” Tulad ng sinabi ni Yahweh, si Moises ay tumapyas ng dalawang bato at dinala ang mga ito kinaumagahan sa Bundok ng Sinai. Si Yahweh ay bumabâ sa ulap, tumayo sa tabi ni Moises at binanggit ang kanyang pangalan: Yahweh. Si Yahweh ay nagdaan sa harapan ni Moises at sinabi niya, “Akong si Yahweh ay mahabagin at mapagmahal. Hindi ako madaling magalit; patuloy kong ipinadarama ang aking pag-ibig at ako'y nananatiling tapat. Tinutupad ko ang aking pangako maging sa libu-libo, at patuloy kong ipinapatawad ang kanilang kasamaan, pagsuway at pagkakasala. Ngunit hindi ko pinalalampas ang kasalanan ng ama at ang pagpaparusa ko'y hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.” At mabilis na lumuhod si Moises, at sumamba kay Yahweh. Sinabi niya, “Kung talagang kinalulugdan ninyo ako, isinasamo kong samahan ninyo kami kahit na po matigas ang ulo ng lahing ito. Patawarin na ninyo kami at tanggapin bilang inyong bayan.” Sinabi ni Yahweh, “Makikipagkasundo akong muli sa bayang Israel. Sa harapan nilang lahat ay gagawa ako ng mga himalang hindi pa nangyayari sa daigdig kahit kailan. Dahil dito, makikita ng mga Israelita kung gaano ako kadakila. Sundin ninyo ang mga iniutos ko ngayon at palalayasin ko sa pupuntahan ninyo ang mga Amoreo, Cananeo, Heteo, Perezeo, Hivita at mga Jebuseo. Huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga daratnan ninyo roon sapagkat iyon ang magiging patibong na ikapapahamak ninyo. Sa halip, sirain ninyo ang kanilang mga altar, durugin ninyo ang mga batong ginagamit nila sa kanilang pagsamba at ibuwal ang mga haliging kinikilala nilang sagrado. “Huwag kayong sasamba sa ibang diyos sapagkat akong si Yahweh ay mapanibughuing Diyos. Huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga tagaroon. Baka mahikayat nila kayong kumain ng mga handog sa kanilang mga diyus-diyosan kapag sila'y sumasamba sa mga ito. Huwag ninyong hahayaan na ang mga anak ninyong lalaki ay mag-asawa ng babaing tagaroon. Baka mahikayat sila ng mga ito na maglingkod sa kanilang mga diyus-diyosan. “Huwag kayong gagawa ng diyus-diyosang metal at sasamba sa mga ito. “Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Tulad ng sinabi ko sa inyo, pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa sa unang buwan sapagkat iyon ang buwan ng pag-alis ninyo sa Egipto. “Akin ang lahat ng panganay na lalaki, maging tao o hayop. Ang panganay na asno ay tutubusin ninyo ng tupa. Kung ayaw ninyong palitan, baliin ninyo ang leeg. Tutubusin din ninyo ng tupa ang mga panganay ninyong lalaki. Huwag kayong haharap sa akin nang walang dalang handog. “Anim na araw kayong magtatrabaho, ngunit sa ikapitong araw kayo'y magpapahinga maging ito ma'y panahon ng pagbubungkal ng lupa o ng pag-aani. “Ipagdiriwang ninyo ang Pista ng mga Sanlinggo, ang unang pag-aani ng trigo, gayon din ang Pista ng mga Tolda tuwing matatapos ang taon. “Tatlong beses isang taon, ang mga lalaking Israelita ay haharap sa Panginoong Yahweh, ang Diyos ng Israel. Kapag napalayas ko na ang mga taong daratnan ninyo at lubusan na ninyong nasakop ang kanilang lupain, wala nang sasalakay sa inyo sa mga araw na kayo'y haharap sa akin. “Huwag ninyong sasamahan ng tinapay na may pampaalsa ang hayop na ihahandog ninyo sa akin. Huwag din kayong magtitira ng anumang bahagi ng hayop na pinatay para sa Pista ng Paskwa. “Dadalhin ninyo bilang handog sa bahay ni Yahweh na inyong Diyos ang inyong mga pinakamainam na unang ani ng inyong bukirin. “Huwag kayong maglalaga ng tupa o batang kambing sa gatas ng sarili nitong ina.” Pagkatapos noon, sinabi niya kay Moises, “Isulat mo ang mga sinabi ko sapagkat ito ang mga tuntunin ng pakikipagtipan ko sa iyo at sa Israel.” Si Moises ay apatnapung araw at apatnapung gabing kasama ni Yahweh, hindi kumakain o umiinom. Isinulat ni Yahweh sa mga tapyas na bato ang mga tuntunin ng tipan, ang sampung utos. Mula sa Bundok ng Sinai, bumabâ si Moises na dala ang dalawang tapyas na batong kinasusulatan ng mga utos. Hindi niya namamalayan na dahil sa pakikipag-usap niya kay Yahweh ay nagniningning pala ang kanyang mukha. Nang makita ito ni Aaron at ng mga Israelita, natakot silang lumapit. Ngunit tinawag sila ni Moises. Lumapit naman si Aaron at ang mga namumuno sa Israel at sila'y nag-usap. Pagkaraan noon, lumapit kay Moises ang lahat ng Israelita at sinabi niya sa kanila ang mga utos na ibinigay sa kanya ni Yahweh sa Bundok ng Sinai. Pagkasabi nito, tinalukbungan ni Moises ang kanyang mukha. Tuwing makikipag-usap at haharap siya sa presensya ni Yahweh, inaalis niya ang takip ng kanyang mukha. Paglabas dito, sinasabi niya sa mga tao kung ano ang iniuutos ni Yahweh, at makikita na naman nila na nagniningning ang kanyang mukha. Kaya't tatakpan niya muli ito hanggang sa muli niyang pakikipag-usap kay Yahweh. Tinipon ni Moises ang buong Israel at kanyang sinabi, “Ito ang iniuutos sa inyo ni Yahweh: Anim na araw kayong magtatrabaho, ngunit ang ikapitong araw ay Araw ng Pamamahinga na nakalaan sa akin. Papatayin ang sinumang magtrabaho sa araw na iyon. Sa Araw ng Pamamahinga, huwag kayong magsisindi ng apoy sa lahat ng inyong mga tahanan.” Sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Ito ang iniuutos ni Yahweh: Maghandog kayo kay Yahweh. Ito ang maaari ninyong ihandog: ginto, pilak at tanso; lanang kulay asul, kulay ube, at kulay pula. Gayundin ng pinong sinulid na lino, at balahibo ng kambing, balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, mainam na balat, at kahoy na akasya, langis para sa ilawan, pabangong panghalo sa langis na pampahid at sa insenso. Maghahandog din sila ng mga alahas na kornalina at mamahaling alahas na pampalamuti sa efod at sa pektoral ng pinakapunong pari.” “Tipunin mo ang lahat ng mahuhusay na manggagawa at sila ang pagawin ng tabernakulo, ng tolda at ng mga tabing nito, ng mga kawit at ng mga patayo at pahalang na balangkas, ng mga tukod at ng mga patungan nito. Sila rin ang gagawa ng Kaban ng Tipan at ng mga pasanan nito, gayundin ng Luklukan ng Awa at ng tabing nito. Sila rin ang gagawa ng mesa, ng mga paa at lahat ng kagamitan nito, ng lalagyan ng tinapay na ihahandog sa Diyos, ng ilawan, ng mga kagamitan nito, ng mga ilaw at langis para rito. Sila rin ang gagawa ng altar na sunugan ng insenso, pati ang mga pasanan nito, ang langis na pampahid, ang mabangong insenso at ng kurtinang ilalagay sa pintuan ng tabernakulo, ng altar na sunugan ng mga handog, ng parilyang tanso, ng mga pasanan at ng mga kagamitang kasama ng altar, ng palanggana at ng patungan nito. Sila rin ang gagawa ng mga tabing ng bulwagan, ng mga tukod na pagkakabitan, at ng mga patungan ng tukod pati ng kurtina sa pintuan. Sila rin ang gagawa ng tulos, ng mga lubid na gagamitin sa tabernakulo at sa mga tabing, ng mamahaling kasuotan ng mga pari na gagamitin pagpasok nila sa Dakong Banal—ng mga damit na gagamitin ni Aaron at ng kanyang mga anak sa kanilang paglilingkod sa akin bilang mga pari.” Ang mga Israelita'y nagbalikan na sa kani-kanilang tolda. Lahat ng nais tumulong ay naghandog kay Yahweh ng inaakala nilang magagamit sa paggawa ng Toldang Tipanan, ng mga kagamitan sa pagsamba at ng kasuotan ng mga pari. Babae't lalaki ay naghandog. May nagdala ng pulseras, hikaw, singsing, kuwintas at iba pang alahas na ginto. Dinala ng bawat isa ang kanyang alahas na ginto at inihandog kay Yahweh. May naghandog din ng lanang kulay asul, kulay ube at pula, ng telang lino, telang yari sa balahibo ng kambing, pinapulang balat ng tupa at balat ng kambing. Ang iba nama'y naghandog ng pilak o tansong kagamitan, at ng kahoy na akasya para sa tabernakulo. Ang mga babae namang marunong sa pagsisinulid ay gumawa ng sinulid na lanang asul, kulay ube at pula, gayundin ng pinong lino, at ito ang kanilang ipinagkaloob. May gumawa rin ng sinulid mula sa balahibo ng kambing. Ang mga pinuno ay naghandog ng kornalina, mga alahas na ipapalamuti sa efod at sa pektoral ng pinakapunong pari. May nagdala naman ng langis para sa ilawan, ng pabangong ihahalo sa langis na pantalaga at sa insenso. Lahat ng Israelita, lalaki at babae na handang tumulong ay nagdala ng handog kay Yahweh para sa ipinagagawa niya kay Moises. Sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Pinili ni Yahweh si Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur, buhat sa lipi ni Juda. Siya'y pinuspos niya ng Espiritu ng Diyos at binigyan ng kakayahan, kahusayan, at katalinuhan sa lahat ng gawaing pansining. Ginawa niya ito upang makagawa siya ng magagandang disenyo at maiukit ito sa ginto, pilak o tanso. Gayundin, upang maging bihasa siya sa pagtabas ng mamahaling bato, mahusay sa paglilok, at dalubhasa sa anumang gawaing pansining. Siya at si Aholiab, anak ni Ahisamac na mula sa lipi ni Dan, ay binigyan ni Yahweh ng kakayahan para maituro nila sa iba ang kanilang nalalaman. Sila'y binigyan niya ng pambihirang kakayahang gumawa ng gawain ng mga dalubhasang mag-uukit, taga-disenyo, pangkaraniwang manghahabi at ng manghahabi ng lanang asul, kulay ube at pula at ng pinong lino. Kaya nilang gawin ang anumang uri ng gawain. “Si Bezalel, si Aholiab at ang lahat ng manggagawang binigyan ni Yahweh ng kaalaman at kakayahan ang gagawa ng lahat ng kailangan sa santuwaryo, ayon sa sinabi ni Yahweh.” Tinawag ni Moises sina Bezalel, Aholiab, ang lahat ng binigyan ng kakayahan ni Yahweh at ang lahat ng nais tumulong at pinagsimula nang magtrabaho. Ibinigay niya sa kanila ang lahat ng handog ng mga Israelita para sa gagawing santuwaryo. Patuloy pa rin sa paghahandog ang mga Israelita tuwing umaga, kaya't nagpunta kay Moises ang mga manggagawa. Sinabi nila, “Napakarami na po ang ibinigay ng mga tao ngunit patuloy pa rin silang nagdadala.” Kaya iniutos ni Moises, “Huwag na kayong magdala pa ng kaloob para sa gagawing santuwaryo.” Noon lamang tumigil ang mga tao sa pagdadala ng handog. Gayunman, sumobra pa rin ang mga handog na naroon. Lahat ng pinakamahusay na manggagawa ang gumawa sa Toldang Tipanan. Ang ginamit dito ay sampung pirasong kurtina na hinabi sa pinong lino at lanang kulay asul, kulay ube at pula na may burdang larawan ng kerubin. Ang haba ng bawat piraso ay 13 metro at 2 metro naman ang lapad. Ang mga ito ay pinagkabit-kabit nila nang tiglilima. Gumawa sila ng mga silo na yari sa taling asul at ikinabit sa gilid ng bawat piraso, tiglilimampung silo bawat isa. Gumawa sila ng limampung kawit na ginto at sa pamamagitan nito'y pinagkabit ang dalawang piraso. Kaya ang sampung pirasong damit na ginamit sa tabernakulo ay parang isang piraso lamang. Pagkatapos, gumawa sila ng labing-isang pirasong kurtina na gawa sa balahibo ng kambing upang gawing takip sa ibabaw ng tabernakulo. Bawat isa nito'y 13 metro ang haba at 2 metro naman ang lapad. Pinagkabit-kabit nila ang limang piraso; ganoon din ang anim na natira. Kinabitan nila ng tiglilimampung silo ang gilid ng bawat piraso. Pagkatapos, gumawa sila ng limampung kawit na tanso at sa pamamagitan nito'y pinagkabit nila ang dalawang piraso para maging isa lamang. Tinakpan nila ito ng pinapulang balat ng tupa at pinatungan pa ng balat ng kambing. Gumawa rin sila ng mga patayong haliging gawa sa akasya para sa tabernakulo. Bawat haligi ay 4 na metro ang haba at 0.7 metro naman ang lapad. Bawat haligi ay nilagyan nila ng mitsa para sa pagdurugtong. Dalawampung haligi ang ginawa nila para sa gawing timog at apatnapung patungang pilak na may suotan ng mitsa. Dalawampu rin ang ginawa nilang haligi sa gawing hilaga at apatnapung patungang pilak din, dalawa sa bawat haligi. Para sa likod, sa gawing kanluran ay anim na haligi at dalawa naman para sa mga sulok. Ang mga haligi sa magkabilang sulok ay magkadikit mula ibaba hanggang itaas, sa may unang argolya. Samakatuwid, walo ang haliging nagamit sa likod at may tigalawang patungang pilak ang bawat isa. Gumawa rin siya ng pahalang na balangkas na yari sa akasya, lima sa isang gilid, lima sa kabila at lima rin sa likod. Ang pahalang na haliging panggitna ay abot sa magkabilang gilid ng dingding. Binalot nila ng ginto ang mga haligi at kinabitan ng argolyang ginto na pagsusuutan ng mga pahalang na haligi na binalot din ng ginto. Gumawa rin sila ng kurtinang yari sa pinong lino at lanang kulay asul, kulay ube at pula; ito'y binurdahan nila ng larawan ng kerubin. Gumawa sila ng apat na haliging akasya na kabitan ng tabing. Binalot nila ito ng ginto, kinabitan ng kawit na ginto rin at itinayo sa apat na tuntungang pilak. Para sa pintuan, gumawa sila ng kurtinang yari sa pinong lino at lanang kulay asul, kulay ube at pula at binurdahan nang maganda. Gumawa sila ng limang posteng pagsasabitan ng kurtina. Kinabitan nila iyon ng mga kawit, ang dulo'y binalot ng ginto, gayundin ang mga haligi at itinayo sa limang tuntungang tanso. Yari sa akasya ang ginawa ni Bezalel na Kaban ng Tipan: 1.1 metro ang haba, 0.7 metro ang luwang, at 0.7 metro ang taas. Binalot niya ng ginto ang loob at labas, at ang labi nito'y nilagyan nila ng muldurang ginto. Gumawa siya ng apat na argolyang ginto at ikinabit sa apat na paa ng kaban, tigalawa sa magkabila. Gumawa rin siya ng kahoy na pampasan na yari sa akasya at binalutan din niya ito ng ginto. Isinuot niya ang mga ito sa mga argolya sa magkabilang gilid upang maging pasanan nito. Ginawa rin niya ang Luklukan ng Awa na yari sa purong ginto. Ang haba nito'y 1.1 metro, at 0.7 metro naman ang luwang. Ang magkabilang dulo nito ay iginawa niya ng dalawang kerubing yari sa purong ginto, tig-isa sa magkabilang dulo. Ikinabit niya itong mabuti sa Luklukan ng Awa, kaya ito at ang mga kerubin ay naging isang piraso. Magkaharap ang mga kerubin at nakatungo sa Luklukan ng Awa. Nakabuka ang kanilang mga pakpak at nakalukob dito. Gumawa rin ng mesang akasya si Bezalel; 0.9 na metro ang haba nito, 0.5 metro ang lapad at 0.7 metro ang taas. Binalot niya ito ng ginto at pati na ang paligid. Nilagyan niya ito ng sinepa na singlapad ng isang palad at pinaligiran din ng ginto. Gumawa siya ng apat na argolyang ginto at ikinabit sa apat na sulok, sa may tapat ng paa nito. Ang mga argolyang pagkakabitan ng mga kahoy na pampasan ay malapit sa sinepa. Iginawa rin niya ang mesa ng mga pampasan na yari sa akasya at binalutan din ng ginto. Gumawa rin siya ng mga kagamitang ginto para sa mesa: mga plato, tasa, banga at mangkok para sa handog na inumin. Gumawa rin siya ng ilawang yari sa purong ginto. Ang patungan at tagdan nito'y yari sa pinitpit na purong ginto. Ang mga palamuti nitong bulaklak, ang buko at mga talulot ay parang iisang piraso. Mayroon itong anim na sanga, tigatlo sa magkabila. Bawat sanga ay may tatlong magagandang bulaklak na parang almendra, may usbong at may talulot. Ang tagdan ay may tig-apat ding bulaklak na tulad ng nasa sanga. May tig-iisang usbong sa ilalim ng mga sanga, isa sa ilalim ng bawat sanga. Ang mga usbong, mga sanga at ang tagdan ng ilawan ay iisang piraso na gawa sa purong ginto. Ang ilawan ay iginawa niya ng pitong ilaw na may kasamang pang-ipit ng mitsa at patungan na pawang dalisay na ginto. Ang nagamit sa ilawan ay tatlumpu't limang kilong purong ginto. Gumawa siya ng altar na sunugan ng insenso. Ito ay yari sa punong akasya. Ito ay parisukat, 0.5 metro ang haba, gayundin ang lapad at 0.9 na metro ang taas. Ang apat na sulok nito ay nilagyan niya ng sungay na kaisang piraso ng altar. Binalutan niya ang ibabaw nito ng purong ginto. Ang mga gilid at ang mga sungay ay binalot din ng ginto. Gumawa siya ng dalawang argolyang ginto at ikinabit sa magkabilang gilid sa ibaba para pagsuutan ng pampasan. Gumawa rin siya ng pampasan na yari sa punong akasya at ito'y binalot din ng ginto. Si Bezalel din ang naghalo ng sagradong langis na pampahid at ng purong insenso at ito'y parang ginawa ng isang dalubhasa sa paggawa ng pabango. Akasya rin ang ginamit ni Bezalel sa paggawa ng altar na sunugan ng handog. Ito'y parisukat, 2.2 metro ang haba, ganoon din ang lapad, at 1.3 metro naman ang taas. Ang mga sulok nito'y nilagyan niya ng sungay na kaisang piraso ng altar, at binalot ng tanso. Si Bezalel din ang gumawa ng mga kagamitang tanso para sa altar: palayok, pala, palanggana, malaking tinidor at lalagyan ng apoy. Gumawa rin siya ng parilyang tanso at ikinabit sa ilalim ng baytang, sa kalahatian ng altar. Gumawa siya ng apat na argolya at ikinabit sa apat na sulok ng parilya, para pagsuutan ng pampasan. Akasya rin ang ginawa niyang pampasan. Binalot niya ito ng tanso at isinuot sa mga argolya sa gilid ng altar. Tabla ang ginamit niya sa paggawa ng altar at ito'y may guwang sa loob. Gumawa nga siya ng palangganang tanso, at tanso rin ang patungan. Ang ginamit niya rito ay tansong ginagamit bilang salamin ng mga babaing tumutulong sa mga naglilingkod sa pintuan ng Toldang Tipanan. Pagkatapos, ginawa niya ang bulwagan na pinaligiran niya ng mamahaling telang lino. Sa gawing timog ay 45 metro ang haba ng tabing at ito'y ikinabit niya sa dalawampung posteng tanso na itinayo sa dalawampung tuntungang tanso rin. Pilak naman ang mga kawit at ang sabitang baras na ginamit niya. Gayundin ang ginawa niya sa gawing hilaga: 45 metro ang mga tabing na ikinabit sa dalawampung posteng tanso na itinayo sa dalawampung tuntungang tanso; pilak naman ang mga kawit at baras na ginamit dito. Sa gawing kanluran naman, 22 metro ang haba ng tabing na isinabit niya sa sampung posteng nakatindig sa sampung tuntungan. Ang mga kawit at baras ay gawa sa pilak. Ang luwang ng harapan ng bulwagan sa gawing silangan ay 22 metro. Sa isang gilid ng pintuan ay nilagyan ng kurtinang 6.6 na metro ang haba, na nakasabit sa tatlong posteng nakapatong sa tatlong tuntungan. Ganoon din sa kabilang gilid. Kaya ang dalawang gilid ng pintuan ay may tig-isang kurtinang 6.6 na metro ang haba, na nakasabit sa tatlong posteng nakapatong sa kanya-kanyang tuntungan. Lahat ng tabing ng bulwagan ay mamahaling telang lino. Tanso ang tuntungan ng mga poste at pilak naman ang mga kawit ng poste, gayundin ang mga haligi. Ang kurtina sa may pintuan ay mamahaling lino at lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula. Magandang-maganda ang burda nito. Ang haba't lapad nito'y 9 na metro, samantalang 2 metro naman ang taas, tulad ng tabing sa bulwagan. Ito'y nakasabit sa apat na posteng nakapatong sa apat na tuntungang tanso. Ang mga kawit nito at balot ay pawang pilak. Tanso naman ang mga tulos na ginamit sa Toldang Tipanan at sa tabing ng bulwagan. Ito ang listahan ng mga metal na ginamit sa tabernakulo na pinaglagyan sa Kaban ng Tipan. Ang listahang ito'y ipinagawa ni Moises sa mga Levita sa pangunguna ni Itamar na anak ni Aaron. Lahat ng iniutos ni Yahweh kay Moises ay ginawa ni Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur, buhat sa lipi ni Juda. Ang pangunahin niyang katulong na si Aholiab ay anak ni Ahisamac at buhat naman sa lipi ni Dan. Siya ay mahusay mag-ukit, isang taga-disenyo at manghahabi ng pinong lino at lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula. Lahat ng gintong ginamit sa santuwaryo ay umabot sa 1,000 kilo ayon sa timbangan sa templo. Ang lahat ng ito'y handog kay Yahweh. Ang pilak namang ibinigay ng mga taong napabilang sa sensus ay umabot sa 3,430 kilo, ayon din sa timbangan sa templo. Ang mga ito ang kabuuan ng lahat ng inihandog ng mga napabilang sa sensus, na umabot naman sa 603,550 katao, mula sa dalawampung taon pataas. Bawat isa'y nagbigay ng kaukulang halaga ayon sa timbangan sa santuwaryo. Ang pilak na nagamit sa mga tuntungan ng santuwaryo at tabing ng bulwagan ay 3,400 kilo: 100 tuntungan na tig-34 na kilo. Ang 30 kilo ay ginamit sa mga kawit ng poste, sa mga dulo nito at sa mga haligi. Ang tansong inihandog kay Yahweh ay umabot naman sa 2,425 kilo. Ito ay ginamit sa mga tuntungan sa pintuan ng Toldang Tipanan, sa altar at sa parilyang tanso gayundin sa lahat ng gamit sa altar, sa tuntungan sa paligid ng patyo, at tuntungan ng poste ng pinto, at sa lahat ng tulos na ginamit sa paligid ng tabernakulo. Ginawa nila ang kasuotan ni Aaron ayon sa iniutos ni Yahweh kay Moises. Lanang kulay asul, kulay ube at pula ang ginamit nila sa kasuotan ng mga pari. Mainam na lino, lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula ang ginamit nila sa efod. Ang ginto ay pinitpit nila nang manipis at ginupit nang pino na parang sinulid, at inihalo sa paghabi sa lanang kulay asul, kulay ube at pula at sa mainam na lino. Ang efod ay kinabitan nila ng malapad na tali na siyang nagdudugtong sa likod at harap. Kinabitan din nila ito ng isang magandang sinturong kamukha ng efod na yari rin sa mainam na lino, at lanang kulay asul, kulay ube at pula at binurdahan din ng mga hibla ng ginto tulad ng iniutos ni Yahweh. Kumuha sila ng mga batong kornalina at iniayos ito sa patungang ginto. Iniukit nila dito ang pangalan ng mga anak na lalaki ni Israel. Nang mayari, para itong isang magandang pantatak. Ang mga bato'y ikinabit nila sa tali sa balikat ng efod upang maalala ang mga anak ni Israel. Ginawa rin nila ito ayon sa utos ni Yahweh. Gumawa rin sila ng pektoral. Magandang-maganda ang burda nito, tulad ng efod, at yari din sa mainam na lino, at lanang kulay asul, kulay ube at pula at mayroon din itong sinulid na ginto. Ito'y magkataklob at parisukat: 0.2 metro ang haba, at ganoon din ang lapad. Kinabitan nila ito ng apat na hilera ng mamahaling bato: Sa unang hanay ay rubi, topaz at karbungko. Sa ikalawang hilera naman ay esmeralda, safiro at brilyante. Sa ikatlong hilera ay jacinto, agata at ametista. At sa ikaapat, berilo, kornalina at jasper. Lahat ng ito ay nakalagay sa patungang ginto. Labindalawa lahat ang batong ginamit upang kumatawan sa labindalawang anak ni Israel. Tulad ng isang pantatak, sa bawat bato'y nakaukit nang maganda ang pangalan ng bawat anak na lalaki ni Israel. Naglubid sila ng pinitpit na ginto at ito ang ginawang panali sa pektoral. Gumawa rin sila ng dalawang patungan at dalawang argolyang ginto na ikinabit nila sa dalawang sulok ng pektoral, sa gawing itaas. Itinali nila sa argolya ang tig-isang dulo ng mga nilubid na ginto. Ang kabilang dulo naman ay itinali nila sa dalawang patungang ginto sa tali sa balikat ng efod. Gumawa rin sila ng dalawang argolya at ikinabit sa dalawang sulok sa gawing ibaba ng pektoral. Gumawa rin sila ng dalawang argolyang ginto at ikinabit sa ibaba ng tali sa balikat, sa may tahi, sa itaas ng pamigkis ng efod. Ang argolya ng pektoral at ng efod ay pinagkabit nila ng lubid na asul para hindi magkahiwalay. Ito'y ginawa nila ayon sa utos ni Yahweh. Gumawa rin sila ng damit na nasa ilalim ng efod. Ito'y yari sa lanang kulay asul, at may butas na suotan ng ulo; ang butas ay may tupi upang hindi matastas. Ang laylayan nito'y nilagyan nila ng mga palawit na tila bunga ng punong granada; ang mga ito'y yari sa pinong lino, at lanang asul, kulay ube at pula. Gumawa rin sila ng mga kampanilyang ginto at ikinabit sa laylayan, sa pagitan ng mga palawit. Kaya ang laylayan ay may isang hilera ng mga palawit na mukhang bunga ng punong granada at mga kampanilyang ginto. Ito'y ginawa nila ayon sa utos ni Yahweh. Gumawa rin sila ng mahabang panloob na kasuotan para kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ang mga ito'y yari sa pinong lino, ganoon din ang turbante, ang mga sumbrero at ang mga linong salawal. Ang pamigkis naman sa baywang ay yari sa pinong lino, lanang kulay asul, kulay ube at pula at binurdahan nang maganda ayon sa utos ni Yahweh. Ang turbante ay nilagyan nila ng palamuting ginto at may nakaukit na ganitong mga salita: “Nakalaan kay Yahweh.” Ito'y itinali nila sa turbante sa pamamagitan ng kordong asul, tulad ng utos ni Yahweh. Natapos nilang gawin ang Toldang Tipanan ayon sa iniutos ni Yahweh; gayundin ang lahat ng mga kagamitan doon. Ipinakita nila kay Moises ang lahat: ang tabernakulo, ang tolda at lahat ng gamit dito, ang mga kawit, ang mga patayo at pahalang na balangkas, tukod at mga tuntungan nito; ang mga pantakip na balat ng tupa na kinulayan ng pula, balat ng kambing, at ang mga tabing; ang Kaban ng Tipan, ang mga pasanan nito at ang Luklukan ng Awa. Ipinakita rin nila ang mesa at ang mga kagamitan nito, ang tinapay na panghandog sa Diyos, ang ilawang ginto, ang mga ilaw at ang iba pang mga kagamitan nito, at ang langis para sa mga ilaw; ang altar na ginto, ang langis na pampahid, ang mabangong insenso at ang kurtina para sa pintuan ng tolda. Ipinakita rin nila ang altar na tanso, kasama ang parilyang tanso, ang mga pasanan at lahat ng kagamitan ng altar, ang palangganang tanso at ang patungan nito; ang mga kurtina para sa bulwagan, ang mga poste at ang mga tuntungan nito, ang tabing sa pagpasok sa bulwagan, ang mga tali, ang mga tulos para sa tolda at lahat ng kagamitan sa paglilingkod sa loob ng Toldang Tipanan. Ipinakita rin nila ang sagradong kasuotan ng mga pari para sa kanilang paglilingkod sa Dakong Banal; ang banal na kasuotan ng paring si Aaron, at ang kasuotan ng kanyang mga anak na maglilingkod bilang mga pari. Lahat ng ito'y ginawa ng mga Israelita ayon sa iniutos ni Yahweh kay Moises. Ang mga ito'y isa-isang tiningnan ni Moises, at binasbasan nang matiyak na nayari ang mga ito ayon sa iniutos ni Yahweh. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sa unang araw ng unang buwan, itayo mo ang tabernakulo ng Toldang Tipanan. Ilagay mo sa loob nito ang Kaban ng Tipan, at tabingan mo. Ipasok mo ang mesa at ipatong mo roon ang kagamitan niyon. Ipasok mo rin ang ilawan at iayos ang mga ilaw. Ang altar na gintong sunugan ng insenso ay ilagay mo sa tapat ng Kaban ng Tipan at kabitan mo ng tabing ang pintuan nito. Ang altar namang sunugan ng mga handog ay ilagay mo sa harap ng tabernakulo ng Toldang Tipanan. Ilagay mo naman sa pagitan ng altar at ng tolda ang palanggana, at lagyan mo ng tubig. Pagkatapos, paligiran mo ng tabing ang bulwagan at ikabit ang tabing ng pintuan nito. “Pagkatapos, kunin mo ang langis na pantalaga at buhusan mo nito ang buong tolda at ang lahat ng kagamitan doon upang maging sagrado. Gayundin ang gawin mo sa lahat ng kagamitan doon upang maging banal. Ito rin ang gawin mo sa altar na sunugan ng mga handog at ang mga kasangkapan nito upang maging ganap na sagrado. Pahiran mo ng langis ang palanggana at ang patungan nito upang maging banal din. “Si Aaron at ang kanyang mga anak ay dalhin mo sa pintuan ng Toldang Tipanan at doo'y maghugas ayon sa rituwal. Pagkatapos, isuot mo kay Aaron ang banal na kasuotan at pahiran mo siya ng langis. Sa ganitong paraan mo siya itatalaga sa akin at siya'y maglingkod sa akin bilang pari. Palapitin mo rin ang kanyang mga anak, at isuot mo sa kanila ang mahabang panloob na kasuotan. Pahiran mo sila ng langis tulad ng ginawa mo sa kanilang ama upang makapaglingkod sila sa akin bilang mga pari. Dahil sa pagkapahid mo sa kanila ng langis, mananatili silang mga pari habang buhay.” Ginawa ni Moises ang lahat ayon sa iniutos ni Yahweh. Kaya, ang tabernakulo'y itinayo nila noong unang araw ng unang buwan ng ikalawang taon mula nang umalis sila sa Egipto. Si Moises ang nagtayo ng tabernakulo. Inilagay niya ang mga tuntungan nito, itinayo ang mga balangkas, isinuot sa mga argolya ang mga pahalang na balangkas at itinayo ang mga poste. Nilatagan niya ng lona ang ibabaw nito at inatipan, tulad ng iniutos ni Yahweh. Inilagay niya sa loob ng Kaban ng Tipan ang mga tapyas na batong kinasusulatan ng mga utos. Isinuot sa mga argolya ng Kaban ang mga pasanan at ipinatong ang Luklukan ng Awa. Ipinasok niya sa tolda ang Kaban ng Tipan at tinabingan, ayon sa utos ni Yahweh. Ang mesa ay inilagay niya sa loob ng Toldang Tipanan, sa may gawing hilaga ng tabernakulo, sa labas ng tabing. Tulad ng utos ni Yahweh, ipinatong niya sa mesa ang tinapay na panghandog. Inilagay niya ang ilawan sa loob ng Toldang Tipanan, sa gawing timog ng tabernakulo, sa tapat ng mesa at iniayos ang mga ilaw, tulad ng utos ni Yahweh. Inilagay niya sa loob ng Toldang Tipanan ang altar na ginto, sa harap ng tabing. Dito niya sinunog ang mabangong insenso, tulad ng utos sa kanya ni Yahweh. Ikinabit niya ang tabing sa pintuan ng tabernakulo. Ang altar na sunugan ng mga handog ay inilagay niya sa harap ng pintuan ng Toldang Tipanan at dito niya inialay ang mga handog na sinusunog at mga handog na pagkaing butil, tulad ng utos ni Yahweh. Inilagay niya ang palanggana sa pagitan ng Toldang Tipanan at ng altar, at ito'y nilagyan ng tubig. Doon naghuhugas ng paa't kamay sina Moises, Aaron at ang kanyang mga anak. Tuwing papasok sila sa Toldang Tipanan o lalapit sa altar, naghuhugas sila tulad ng iniutos ni Yahweh kay Moises. Pinaligiran niya ng tabing ang tolda at ang altar; tinabingan din niya ang pintuan ng bulwagan. Natapos ni Moises ang lahat ng ipinagagawa sa kanya. Nang magawâ ang Toldang Tipanan, nabalot ito ng ulap at napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh. Hindi makapasok si Moises sapagkat nanatili sa loob nito ang ulap at napuspos ito ng kaluwalhatian ni Yahweh. Sa paglalakbay ng mga Israelita, nagpapatuloy lamang sila tuwing tataas ang ulap mula sa tabernakulo. Kapag hindi tumaas ang ulap, hindi sila nagpapatuloy; hanggang hindi tumataas ang ulap, hindi sila lumalakad. Kung araw, ang ulap ng kapangyarihan ni Yahweh ay nasa tapat ng tabernakulo; kung gabi nama'y ang haliging apoy. Ito'y nasa isang lugar na kitang-kita ng mga Israelita at siya nilang tanglaw sa kanilang paglalakbay. Tinawag ni Yahweh si Moises, at mula sa Toldang Tipanan ay sinabi sa kanya, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: ‘Kung may maghahandog kay Yahweh, ang dapat niyang ihandog ay baka, tupa o kambing.’ “Kung baka ang kanyang handog na susunugin, kailangang ito'y lalaki at walang kapintasan. Dadalhin niya ito sa may pintuan ng Toldang Tipanan upang maging kalugud-lugod sa akin. Ipapatong niya sa ulo ng hayop ang kanyang kamay at iyo'y tatanggapin bilang pantubos sa kanyang kasalanan. Pagkatapos, papatayin niya ito sa harapan ko at ang dugo'y ibubuhos ng mga paring mula sa angkan ni Aaron sa palibot ng altar, sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Babalatan niya ang hayop saka kakatayin. Ang mga pari nama'y maglalagay ng baga sa altar at iaayos sa ibabaw nito ang kahoy na panggatong. Ihahanay nila nang maayos sa ibabaw ng apoy ang mga pira-pirasong karne, kasama ang ulo at taba. Ngunit dapat muna nilang hugasan ang laman-loob at ang mga paa bago ilagay sa altar. Pagkatapos, ang lahat ng ito'y sama-samang susunugin bilang handog, upang ang usok nito'y maging mabangong samyo sa akin. “Kung tupa o kambing ang ihahandog, kailangang ito'y lalaki rin at walang kapintasan. Papatayin ito ng naghahandog sa harapan ni Yahweh sa gawing hilaga ng altar at ang dugo'y ibubuhos ng mga pari sa paligid ng altar. Kakatayin niya ito at ihahanay ng pari sa ibabaw ng apoy sa altar ang mga piraso ng karne kasama ang ulo at taba. Ang laman-loob at mga paa ay dapat munang hugasan bago ilagay sa altar. Pagkatapos, ang lahat ay susunugin upang ang usok nito'y maging mabangong samyo sa akin. “Kung ibon ang handog na susunugin, ang dadalhin niya'y batu-bato o kalapati. Ibibigay niya ito sa pari upang dalhin sa altar. Pipilipitin ng pari ang leeg ng ibon at ang dugo'y patutuluin sa paligid ng altar. Aalisin niya ang balahibo't bituka ng ibon at ihahagis sa tapunan ng abo, sa gawing silangan ng altar. Bibiyakin niya ang katawan nito ngunit hindi paghihiwalayin. Pagkatapos, susunugin niya ito sa altar bilang handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo sa akin.” “Kung may maghahandog ng pagkaing butil kay Yahweh, ang ihahandog niya'y ang mabuting uri ng harina. Bubuhusan niya ito ng langis ng olibo at bubudburan ng insenso bago dalhin sa mga pari. Ang paring namumuno sa paghahandog ay dadakot ng harina, kasama ang langis at lahat ng insenso para sunugin sa altar bilang tanda na ang lahat ng ito'y inihandog kay Yahweh. Ang usok nito'y magiging mabangong samyo kay Yahweh. Ang matitira sa handog na pagkaing butil ay para kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ito ay ganap na sagrado sapagkat ito'y bahagi ng pagkaing handog sa akin. “Kung luto sa pugon ang handog na pagkaing butil, kailangang ito'y yari sa mabuting uri ng harina at walang pampaalsa. Maaari itong masahin sa langis at lutuin nang makapal o kaya'y lutuin nang maninipis at pahiran ng langis. “Kung luto naman sa palapad na kawali ang handog na pagkaing butil, kailangang mabuti ring uri ng harina ang gamitin, walang pampaalsa at minasa rin sa langis. Pagpipira-pirasuhin ito at bubuhusan ng langis; ito ay isang handog na pagkaing butil. “Kung luto naman sa kawali ang handog na pagkaing butil, kailangang ito'y gawa din sa mabuting uri ng harina at langis ng olibo. Ang mga pagkaing butil na handog kay Yahweh ay dadalhin sa pari; dadalhin naman niya ito sa altar. Kukunin ng pari mula sa handog ang bahaging pang-alaala at susunugin sa ibabaw ng altar bilang handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh. Ang matitira ay para kay Aaron at sa kanyang mga anak; ito'y ganap na sagrado sapagkat kinuha sa pagkaing handog kay Yahweh. “Huwag kayong maghahandog kay Yahweh ng anumang handog na pagkaing butil na may pampaalsa, sapagkat hindi kayo dapat magsunog ng pampaalsa o pulot kung ito'y ihahandog sa akin. Kung unang bunga naman ng halaman ang inyong ihahandog, huwag ninyo itong susunugin sa altar. Titimplahan ninyo ng asin ang lahat ng handog na pagkaing butil. Huwag ninyong kakalimutang lagyan ng asin ang inyong handog na pagkaing butil sapagkat ang asin ay tanda ng inyong kasunduan kay Yahweh. Kaya lalagyan ninyo ng asin ang lahat ng handog. Kung ang handog na pagkaing butil ay trigong mula sa unang ani, kailangang gilingin ito o isangag. Bubuhusan ninyo ng langis at bubudburan ng insenso. Kukuha ang pari ng bahaging susunugin kasama ang langis at insenso bilang alaala. Ito ay isang handog na pagkaing butil na susunugin para kay Yahweh.” “Kung ang iaalay na handog pangkapayapaan ay isang baka, maging babae o lalaki man, kailangang ito'y walang kapintasan. Ipapatong niya sa ulo nito ang kanyang kamay at ito'y papatayin sa may pintuan ng Toldang Tipanan. At ibubuhos ng pari ang dugo sa paligid ng altar. Sa handog na ito kukuha ang pari ng parteng susunugin para kay Yahweh. Kukunin niya ang tabang nakabalot sa laman-loob at lahat ng taba nito; gayundin ang dalawang bato, ang taba sa balakang at ang tabang bumabalot sa atay. Ang lahat ng ito'y ilalagay sa altar at susunugin ng mga pari bilang handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh. “Kung tupa o kambing ang handog pangkapayapaan, maging ito'y lalaki o babae, kailangang ito'y walang kapintasan. Kung tupa ang handog ng isang tao, ito'y dadalhin niya sa harapan ko. Ipapatong niya sa ulo nito ang kanyang kamay at ito'y papatayin sa harap ng Toldang Tipanan. Ibubuhos ng mga pari ang dugo nito sa paligid ng altar. Kukunin niya ang lahat ng taba, pati ang nasa buntot hanggang sa gulugod at ang bumabalot sa mga laman-loob. Kukunin din niya ang dalawang bato, pati ang taba nito sa balakang at ang tabang bumabalot sa atay. Ang lahat ng ito'y ibibigay niya sa pari upang sunugin sa altar bilang pagkaing handog kay Yahweh. “Kung kambing naman ang handog ng isang tao, ihaharap niya ito kay Yahweh. Ipapatong niya sa ulo nito ang kanyang kamay at ito'y papatayin sa harap ng Toldang Tipanan. Ibubuhos ng mga pari ang dugo nito sa paligid ng altar. Kukunin niya ang lahat ng tabang bumabalot sa laman-loob, ang dalawang bato at ang tabang bumabalot dito, ang taba sa ibabaw ng balakang at sa atay. Lahat ng ito'y ibibigay niya sa pari at susunugin sa altar bilang pagkaing handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh. Lahat ng taba ay kay Yahweh. Ito ang tuntuning susundin ninyo habang panahon saanman kayo naroroon: ‘Huwag kayong kakain ng taba o dugo.’” Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa bayang Israel kung ano ang dapat nilang gawin kapag sila'y nagkasala o hindi sinasadyang nakalabag sa alinmang utos ni Yahweh. “Kung ang nagkasala'y ang pinakapunong pari, at nadamay pati ang sambayanan, mag-aalay siya ng isang batang toro na walang kapintasan bilang handog para sa kapatawaran ng kanyang kasalanan. Dadalhin niya ito sa harapan ni Yahweh sa may pintuan ng Toldang Tipanan, ipapatong niya sa ulo nito ang kanyang kamay at papatayin ito. Kukuha ng kaunting dugo ang pinakapunong pari at dadalhin sa Toldang Tipanan. Itutubog niya sa dugo ang kanyang daliri at sa harapan ko ay wiwisikan niya ng pitong beses ang tabing ng santuwaryo. Lalagyan din niya ng dugo ang mga sungay ng altar ng insensong nasa harapan ni Yahweh sa Dakong Banal. Ang natirang dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng altar na sunugan ng mga handog sa harap ng Toldang Tipanan. Ang lahat ng taba nito ay kukunin, pati ang tabang bumabalot sa laman-loob. Kukunin din ang dalawang bato, ang taba ng balakang at ang tabang bumabalot sa atay. Ibubukod ito gaya ng ginagawa sa taba ng torong handog pangkapayapaan, saka dadalhin sa altar at susunugin ng pari. Ngunit ang balat ng toro at lahat ng laman nito, ulo't mga hita, at mga laman-loob, kasama ang dumi ay dadalhin lahat sa labas ng kampo at susunugin sa isang malinis na lugar na pinagtatapunan ng abo. “Kung ang buong kapulungan ng Israel ay magkasala nang di sinasadya at makagawa sila nang labag sa Kautusan nang di nila nalalaman, at pagkatapos ay malaman nila ito, maghahandog ng isang batang toro ang buong kapulungan para sa kanilang kasalanan. Dadalhin nila ito sa harap ng Toldang Tipanan. Ipapatong ng pinuno ang kanilang kamay sa ulo ng toro at papatayin nila ito sa harapan ni Yahweh. Kukuha ng kaunting dugo ang pinakapunong pari upang dalhin ito sa Toldang Tipanan. Itutubog niya sa dugo ang kanyang daliri at pitong beses niyang iwiwisik iyon sa harap ng tabing. Lalagyan din niya ng dugo ang mga sungay sa altar na nasa Toldang Tipanan. Ang natirang dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng altar na sunugan ng mga handog sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Kanyang susunugin sa altar ang lahat ng taba tulad ng ginagawa sa taba ng torong inihandog para sa kapatawaran ng kasalanan. Ito ang gagawin ng pari upang mapatawad ang buong sambayanan. Pagkatapos, ilalabas sa kampo ang torong pinatay at susunugin din sa lugar na pinagdalhan sa unang toro. Ito ang handog para sa kasalanan ng sambayanan. “Kung isang pinuno ang nagkasala nang di sinasadya dahil nakagawa siya ng isang bagay na ipinagbabawal ni Yahweh na kanyang Diyos, sa oras na malaman niya ito ay maghahandog siya ng isang lalaking kambing na walang kapintasan. Ipapatong niya sa ulo ng kambing ang kanyang kamay at papatayin niya ito sa harapan ni Yahweh, sa dakong pinagpapatayan ng handog na susunugin para sa kasalanan. Kukuha ng dugo ang pari at sa pamamagitan ng kanyang daliri, papahiran niya ang mga sungay ng altar ng sunugan ng mga handog. Ang natirang dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng altar. Dadalhin niya sa altar ang lahat ng taba at susunugin gaya ng taba na handog pangkapayapaan. Ito ang gagawin ng pari para matubos ang kasalanan ng pinuno at siya'y patatawarin. “Kung ang nagkasala nang di sinasadya ay isang karaniwang tao dahil lumabag siya sa utos ko at malaman niya ito pagkatapos, maghahandog siya ng isang babaing kambing na walang kapintasan. Ipapatong niya sa ulo ng kambing ang kanyang kamay at papatayin niya ito doon sa lugar na patayan ng mga handog na sinusunog. Kukuha ng dugo ang pari at sa pamamagitan ng kanyang daliri'y papahiran niya ang mga sungay ng altar. Ibubuhos niya sa paanan nito ang natirang dugo. Kukuning lahat ang taba nito, tulad ng taba ng handog pangkapayapaan at dadalhin sa altar. Ito'y susunugin ng pari bilang handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh. Sa ganitong paraan, matutubos ang kasalanan ng taong iyon. “Kung ang handog para sa kasalanan ay isang tupa, kailanga'y babaing walang kapintasan. Ipapatong niya sa ulo ng tupa ang kanyang kamay at papatayin ito sa pinagpapatayan ng handog na susunugin. Kukuha ng kaunting dugo ang pari, at sa pamamagitan ng kanyang daliri ay papahiran niya ang mga sungay ng altar na pinagsusunugan ng mga handog. Ang natirang dugo ay ibubuhos niya sa paanan ng altar. Kukunin niya ang lahat ng taba nito gaya ng ginagawa sa taba ng tupang handog pangkapayapaan at dadalhin sa altar. Kasama ng pagkaing handog, susunugin ito ng pari para matubos ang kasalanan ng naghandog. “Kung kinakailangang tumestigo ang isang tao sa isang pangyayari na kanyang nakita o nalaman ngunit ayaw niyang magsalita, nagkakasala siya at dapat siyang parusahan. “Kung ang isang tao ay sumumpa nang pabigla-bigla tungkol sa anumang bagay, mabuti man o masama, sa oras na malaman niya ito, siya'y nagkakasala at dapat panagutin. “Kung magkasala ang sinuman sa alinmang paraang nabanggit, dapat niyang ipahayag ang kanyang kasalanan. At upang siya'y mapatawad, maghahandog siya kay Yahweh ng isang babaing tupa o kambing. Ihahandog ito ng pari upang siya'y patawarin sa kanyang kasalanan. “Ngunit kung hindi niya kayang maghandog ng tupa o kambing, magdala siya ng dalawang batu-bato o dalawang kalapati; ang isa'y handog para sa kasalanan at ang isa nama'y handog na susunugin. Dadalhin niya ito sa pari upang ihandog sa akin. Ang ibong handog para sa kasalanan ay gigilitan niya ng leeg ngunit hindi puputulin ang ulo. Ang dugo ay iwiwisik niya sa tabi ng altar at ang natira'y patutuluin sa paanan nito. Iyan ang handog pangkasalanan. Ang isa naman ay iaalay bilang handog na susunugin ayon sa Kautusan upang patawarin siya. “Kung hindi pa rin niya makayang maghandog ng dalawang batu-bato o dalawang kalapati, magdadala na lamang siya ng kalahating salop ng piling harina. Hindi niya ito bubuhusan ng langis ni hahaluan man ng insenso sapagkat ito'y handog pangkasalanan. Dadalhin niya sa pari ang harina. Kukuha naman ito ng sandakot at susunugin sa altar bilang tanda na iyon ay handog kay Yahweh. Ganito ang gagawin ng pari bilang pantubos sa alinmang pagkakasalang nabanggit. Tulad ng handog na pagkaing butil, ang matitira ay para sa pari.” Sinabi rin ni Yahweh kay Moises, “Kung ang sinuma'y makalimot magbigay ng anumang nauukol kay Yahweh, mag-aalay siya ng handog na pambayad sa kasalanan. Maghahandog siya ng isang lalaking tupa na walang kapintasan. Itatakda mo ang halaga nito ayon sa sukatang itinakda ng santuwaryo. Babayaran niya ang halagang di niya naibigay at magdaragdag pa siya ng ikalimang bahagi nito, at ito'y ibibigay sa pari. Ang tupa'y dadalhin sa pari upang ialay bilang handog na pambayad sa kasalanan, at siya'y patatawarin. “Kung ang sinuma'y makalabag sa alinmang utos ko kahit hindi niya ito nalalaman, siya'y nagkakasala at dapat parusahan. Magdadala siya sa pari ng isang lalaking tupa na walang kapintasan bilang handog na pambayad sa kasalanan. Itatakda mo ang halaga nito ayon sa halaga ng salapi sa santuwaryo. Ito'y ihahandog ng pari, at patatawarin ang nagkasala. Ang handog na ito'y handog na pambayad sa kasalanan, sapagkat nagkasala siya kay Yahweh.” Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Nagkakasala ang sinumang magkaila tungkol sa isang bagay na inihabilin sa kanya, ang sumira sa kasunduan, ang magnakaw o magsamantala sa kapwa at ang mag-angkin ng isang bagay na napulot at manumpang iyon ay wala sa kanya. Babayaran niya ang kanyang ninakaw, o anumang napulot o inihabilin na inangkin niya. Ibabalik niya ang alin man sa mga ito at daragdagan pa niya ito ng ikalimang bahagi ng halaga niyon sa araw na maghandog siya para sa kasalanan. Ang iaalay naman niya bilang handog na pambayad sa kasalanan ay isang lalaking tupa na walang kapintasan. Itatakda mo ang halaga nito ayon sa sukatang itinakda ng santuwaryo. Ihahandog iyon ng pari at siya'y patatawarin sa alinmang pagkakasala niya.” Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak, ‘Ito ang tuntunin tungkol sa handog na sinusunog. Kailangang ilagay sa altar ang handog na sinusunog at doo'y hayaang magdamag na may apoy na nagniningas. Magsusuot ng damit na lino at salawal na lino ang pari, at aalisin niya ang abo ng sinunog na handog at ilalagay sa tabi ng altar. Pagkatapos, magpapalit siya ng kasuotan at dadalhin niya ang abo sa isang malinis na lugar sa labas ng kampo. Ang apoy sa altar ay dapat panatilihing nagniningas; ito'y dapat gatungan tuwing umaga. Ihahanay sa ibabaw ng gatong ang handog na susunugin at ang tabang kinuha sa handog pangkapayapaan. Hayaang laging may apoy sa altar at hindi ito dapat pabayaang mamatay.’” “Ito naman ang tuntunin tungkol sa mga handog na pagkaing butil. Mga pari lamang ang maghahandog nito sa altar. Dadakot ang pari ng harinang binuhusan ng langis at binudburan ng insenso at ito'y susunugin sa altar bilang handog upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh. Ang natira ay magiging pagkain ng mga pari. Lulutuin ito nang walang pampaalsa at doon nila kakainin sa isang banal na lugar, sa patyo ng Toldang Tipanan. Inilaan ko iyon para sa kanila bilang kaparte ng pagkaing handog sa akin. Iyo'y ganap na sagrado tulad ng handog para sa kapatawaran ng kasalanan at handog na pambayad sa kasalanan. Lahat ng lalaki mula sa lahi ni Aaron ay maaaring kumain nito. Ito ay bahagi nila magpakailanman sa mga pagkaing handog sa akin. Anumang madampian nito ay ituturing na banal.” Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Ito ang handog na dadalhin sa akin nina Aaron at ng mga paring mula sa kanyang angkan sa araw ng pagtatalaga sa kanila: kalahating salop ng mainam na harinang panghandog. Ang kalahati nito'y ihahandog sa umaga at ang kalahati nama'y sa gabi. Ito'y mamasahing mabuti sa langis at ipiprito sa kawali at pagpipira-pirasuhin. Pagkatapos, susunugin sa altar bilang mabangong samyong handog sa akin, gaya ng handog na pagkaing butil. Ang paring mula sa angkan ni Aaron ang maghahandog nito sa akin; ito'y batas na dapat sundin magpakailanman. Ang handog na ito ay susunugin para sa akin. Ang lahat ng pagkaing butil na handog ng pari ay lubusang susunugin, at hindi ito maaaring kainin.” Sinabi rin ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron at sa mga paring mula sa kanyang angkan, ‘Ito naman ang tuntunin tungkol sa handog pangkasalanan. Ang handog pangkasalanan ay papatayin sa pinagpapatayan ng handog na susunugin. Ito'y ganap na sagrado. Ang natirang hindi sinunog ay maaaring kainin ng paring naghandog nito. Ngunit kakainin niya ito sa isang banal na lugar, sa patyo ng Toldang Tipanan. Ang anumang madampi sa laman niyon ay ituturing na banal. Ang damit na malagyan ng dugo nito ay lalabhan sa isang banal na lugar. Ang palayok na pinaglutuan ng handog ay babasagin; ngunit kung ang pinaglutuan ay sisidlang tanso, ito'y kukuskusin at huhugasang mabuti. Ang sinumang lalaking kabilang sa sambahayan ng pari ay maaaring kumain ng handog na ito; iyon ay ganap na sagrado. Ngunit hindi maaaring kainin ang handog para sa kasalanan kung ang dugo nito ay dinala sa Toldang Tipanan upang doo'y gawing pantubos sa kasalanan. Ito ay dapat sunugin na lamang.’” “Ito naman ang tuntunin tungkol sa handog na pambayad sa kasalanan. Ito'y ganap na sagrado. Ang handog na pambayad sa kasalanan ay papatayin sa lugar na pinagpapatayan ng mga handog na susunugin. Ang dugo nito'y ibubuhos sa paligid ng altar. Ang lahat ng taba nito ay ibubukod at ihahandog—taba ng buntot, tabang bumabalot sa laman-loob, ang dalawang bato at ang taba nito, ang taba ng balakang at ang taba na bumabalot sa atay. Lahat ng ito'y dadalhin sa altar at susunugin ng pari bilang handog na pambayad sa kasalanan kay Yahweh. Ang matitira ay maaaring kainin ng mga anak na lalaki na kabilang sa angkan ng pari. Ngunit ito'y kakainin sa isang sagradong lugar sapagkat ang pagkaing ito'y napakabanal. “Iisa ang tuntunin sa handog na pambayad sa kasalanan at sa handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Ang kukuha ng handog na ito ay ang paring gumaganap sa paghahandog. Ang balat ng handog na susunugin ay ibibigay rin sa paring gumanap sa paghahandog, gayundin ang mga handog na pagkaing butil na niluto sa pugon, sa ihawan o pinirito sa kawali. Ngunit ang natirang handog na harina, maging ito'y may halong langis o wala, ay paghahati-hatian ng mga paring mula sa angkan ni Aaron. “Ito naman ang tuntunin tungkol sa handog pangkapayapaan. Kung ito'y inihandog bilang pasasalamat, ang handog ay sasamahan ng tinapay na walang pampaalsa. Ito'y maaaring makakapal na tinapay na yari sa harinang minasa sa langis, o maninipis na tinapay na pinahiran ng langis, o tinapay na yari rin sa harinang minasa sa langis. Ang mga ito ay isasama sa tinapay na may pampaalsa at sa handog pangkapayapaan bilang pagpapasalamat. Sa bawat uri ng tinapay ay magbubukod ng isang ihahandog kay Yahweh at ito'y kukunin ng paring nagbuhos ng dugo ng handog pangkapayapaan. Ang laman ng handog pangkapayapaan bilang pagpapasalamat ay kakaining lahat sa araw ng paghahandog; walang dapat itira para kinabukasan. “Ngunit kung ang handog pangkapayapaan ay panata o kusang-loob, makakain iyon sa araw ng paghahandog at ang matitira'y maaaring kainin sa kinabukasan. Kung mayroon pa ring natira sa ikatlong araw, dapat nang sunugin iyon. Kapag may kumain pa nito, ang handog na iyo'y hindi tatanggapin at mawawalan ng kabuluhan. Iyo'y magiging kasuklam-suklam at pananagutin ang sinumang kumain niyon. Ang handog na karneng nadampian ng anumang bagay na marumi ay hindi dapat kainin; dapat itong sunugin. “Ang sinumang malinis ayon sa batas ay maaaring kumain ng karneng ito. Ngunit ang kumain ng karneng handog pangkapayapaan nang di nararapat ay ititiwalag sa bayan ng Diyos. Ititiwalag sa sambahayan ng Diyos ang sinumang makahawak ng marumi: tao, hayop o anumang bagay na karumal-dumal, at pagkatapos ay kumain ng handog pangkapayapaan.” Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa bayang Israel na huwag silang kakain ng taba ng baka, tupa o kambing. Ang taba ng hayop na kusang namatay o ng hayop na niluray ng kapwa hayop ay maaaring gamitin sa ibang bagay, huwag lamang kakainin. Kaya, ang sinumang kumain ng taba ng hayop na inihandog kay Yahweh ay ititiwalag sa sambayanan. At kahit saan kayo naroon, huwag kayong kakain ng dugo ng anumang hayop o ibon. Ang sinumang kumain nito ay ititiwalag sa sambayanan ng Diyos.” Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo rin ito sa bayang Israel: ‘Ang sinumang maghahandog para sa kapayapaan ay magbubukod ng bahagi nito para sa akin. Siya mismo ang maghahandog nito. Dadalhin din niya ang taba at dibdib nito sa harap ng altar upang ihain bilang tanging handog. Kukunin ng pari ang taba nito at susunugin sa altar, ngunit ang dibdib ay ibibigay kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ang kanang hita naman ay ibibigay sa paring nagbuhos ng dugo sa altar at nagsunog ng tabang handog pangkapayapaan. Sapagkat iniuutos ko sa bayang Israel na ang dibdib at ang hita ng hayop na handog pangkapayapaan ay ipagkakaloob kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ito'y panghabang panahong tungkulin ng bayang Israel. Ito nga ang bahagi ng handog kay Yahweh na nakalaan kay Aaron at sa kanyang mga anak mula nang sila'y gawing mga pari para kay Yahweh. Nang araw na iyon, iniutos ni Yahweh na ito'y ibigay sa kanila. Ang tuntuning ito ay dapat tuparin ng bayang Israel habang panahon.’” Ito ang mga tuntunin tungkol sa mga handog na susunugin, handog na pagkaing butil, handog para sa kapatawaran ng kasalanan, handog na pambayad sa kasalanan, handog sa pagtatalaga at handog pangkapayapaan. Iniutos ito ni Yahweh kay Moises sa Bundok ng Sinai, noong sila'y nasa ilang, nang araw na ang mga Israelita'y utusan ni Yahweh na maghandog sa kanya. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Isama mo sa harap ng Toldang Tipanan si Aaron at ang kanyang mga anak na lalaki. Dalhin mo ang kanilang kasuotan at ang langis na pantalaga. Dalhin na rin ninyo ang torong panghandog sa kasalanan, dalawang lalaking tupa at isang basket ng tinapay na walang pampaalsa at tipunin mo roon ang buong bayan.” Sinunod naman ni Moises ang utos sa kanya ni Yahweh. Nang ang buong kapulungan ay nagkatipon na, sinabi ni Moises sa sambayanan na ang gagawin nila'y utos ni Yahweh. Isinama muna ni Moises si Aaron at ang kanyang mga anak at sila'y pinaliguan ayon sa rituwal. Pagkatapos, isinuot niya kay Aaron ang mahabang panloob na kasuotan at ang damit bago ang efod, at inilagay sa kanyang baywang ang pamigkis. Isinuot din niya sa kanya ang efod, at pinagkabit ito sa pamamagitan ng isa pang pamigkis sa kanyang baywang. Pagkatapos, ipinatong ang pektoral na kinalalagyan ng Urim at Tumim. Sinuotan ng turbante at sa noo nila ay ikinabit ang palamuting ginto na may tanda ng kabanalan, ayon sa iniutos ni Yahweh. Pagkatapos nito, kinuha ni Moises ang langis na pantalaga, pinahiran ang Toldang Tipanan at lahat ng naroon, bilang tanda na ang mga ito'y nakalaan lamang kay Yahweh. Gayundin ang ginawa niya sa altar at sa mga kagamitang naroon, pati na ang palangganang hugasan at ang patungan nito; pitong beses niyang winisikan ng langis ang mga ito. Binuhusan niya ng langis ang ulo ni Aaron upang ilaan siya kay Yahweh. Matapos italaga si Aaron, pinalapit naman ni Moises ang mga anak ni Aaron at sinuotan ng mahabang panloob na kasuotan, binigkisan sa baywang, at nilagyan ng turbante, gaya ng iniutos ni Yahweh. Pagkatapos, ipinakuha ni Moises ang torong handog para sa kapatawaran ng kasalanan at ipinatong ni Aaron at ng kanyang mga anak na lalaki ang kanilang mga kamay sa ulo ng torong ihahandog. Pinatay niya ito, kumuha ng kaunting dugo at sa pamamagitan ng kanyang daliri ay pinahiran ang mga sungay ng altar upang ito'y gawing malinis. Ang natirang dugo ay ibinuhos sa paanan ng altar bilang pagtatalaga at pagtubos. Kinuha ni Moises ang taba ng laman-loob, ang ibabang bahagi ng atay, ang dalawang bato pati ang taba nito at kanyang sinunog sa altar. Ang balat, laman at dumi nito ay sinunog naman niya sa labas ng kampo, gaya ng iniutos sa kanya ni Yahweh. Pagkatapos, kinuha ni Moises ang lalaking tupa na iaalay bilang handog na susunugin. Ipinatong din ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo nito bago niya ito pinatay. Ibinuhos ni Moises ang dugo nito sa palibot ng altar. Kinatay niya ang tupa at sinunog ang ulo't mga pira-pirasong laman pati taba nito. Hinugasan niya ang laman-loob at mga hita nito, at sinunog lahat sa altar bilang handog na susunugin, gaya ng utos sa kanya ni Yahweh. Ang usok nito'y naging mabangong samyo kay Yahweh. Pagkatapos, kinuha niya ang isa pang lalaking tupa na handog naman para sa pagtatalaga. Ipinatong din ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo nito. Pinatay ni Moises ang hayop at ang kaunting dugo nito'y ipinahid niya sa lambi ng kanang tainga ni Aaron at sa kanang hinlalaki ng kamay at paa nito. Tinawag ni Moises ang mga anak ni Aaron at pinahiran din niya ng dugo ang lambi ng mga kanang tainga at ang hinlalaki ng mga kanang kamay at paa ng mga ito. Ibinuhos niya ang natirang dugo sa mga gilid ng altar. Pagkatapos kinuha niya ang taba ng buntot, ang tabang bumabalot sa laman-loob, ang ibabang bahagi ng atay, ang dalawang bato pati taba nito at ang kanang hita ng tupa. Sa basket na nasa altar ay dumampot siya ng isang tinapay, isang tinapay na hinaluan ng langis, isang tinapay na manipis, at ipinatong ang mga ito sa taba at kanang hita ng pinatay na tupa. Ang mga tinapay na ito'y walang pampaalsa. Pinahawakan niya ito kina Aaron at sa kanyang mga anak at inialay nila ito bilang natatanging handog kay Yahweh. Pagkatapos, ipinatong ito ni Moises sa handog na susunuging nasa altar, saka sinunog bilang handog para sa pagtatalaga. Ito'y handog na pagkain at ang halimuyak nito'y naging mabangong samyo kay Yahweh. Kinuha ni Moises ang parteng dibdib ng tupa at inialay bilang natatanging handog kay Yahweh; ito ang kanyang bahagi sa tupang handog na pantalaga gaya ng iniutos sa kanya ni Yahweh. Kumuha siya ng langis na pantalaga at kaunting dugong nasa altar at winisikan si Aaron at ang kanyang mga anak, pati ang mga kasuotan nila. Ganito sila itinalaga kay Yahweh pati ang kanilang mga kasuotan. Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Aaron at sa kanyang mga anak, “Dalhin ninyo ang laman ng karne sa may pintuan ng Toldang Tipanan, ilaga ninyo ito at kainin kasama ang tinapay na nasa basket na ginagamit sa mga handog sa pagtatalaga, gaya ng ipinag-uutos ni Yahweh. Ang matira ay inyong susunugin. Huwag kayong aalis doon sa loob ng pitong araw hangga't hindi natatapos ang pagtatalaga sa inyo. Ito ang iniutos ni Yahweh para sa araw na ito upang kayo'y matubos sa inyong kasalanan. Sa loob ng pitong araw, araw-gabi kayong magbabantay sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Ito ang utos ni Yahweh. Kailangang sundin ninyo ito upang hindi kayo mamatay.” Sinunod nina Aaron at ng kanyang mga anak ang lahat ng iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises. Nang ikawalong araw, ipinatawag ni Moises si Aaron at ang kanyang mga anak, at ang mga pinuno ng Israel. Sinabi niya kay Aaron, “Kumuha ka ng isang batang toro at isang lalaking tupa na walang kapintasan at ihandog mo kay Yahweh. Ang una'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan at ang ikalawa'y handog na susunugin. Sabihin mo naman sa bayang Israel na magdala sila ng isang lalaking kambing bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Magdala rin sila ng isang guya at isang batang tupa na parehong isang taon ang gulang at walang kapintasan bilang handog na susunugin. Pagdalhin mo rin sila ng isang toro at isang lalaking tupa upang ihandog kay Yahweh bilang handog pangkapayapaan. Ihahandog nila ang lahat ng ito na may kasamang harinang hinaluan ng langis. Gawin ninyo ito sapagkat ngayo'y magpapakita sa inyo si Yahweh.” Dinala nga nila ang mga ito sa harap ng Toldang Tipanan ayon sa iniutos ni Moises. Nagtipon ang buong bayan sa harapan ni Yahweh. Sinabi sa kanila ni Moises, “Ito ang utos ni Yahweh na dapat ninyong tuparin upang mahayag sa inyo ang kaluwalhatian niya.” Kay Aaron nama'y sinabi ni Moises, “Lumapit ka sa altar at ialay mo roon ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan, at ang handog na susunugin para sa iyo at sa iyong sambahayan. Dalhin mo rin ang handog ng mga tao upang sila'y matubos din sa kanilang mga kasalanan; iyan ang iniutos ni Yahweh.” Lumapit nga si Aaron sa altar at pinatay ang guya bilang handog para sa kapatawaran ng kanyang kasalanan. Ang dugo nito'y dinala ng mga anak ni Aaron sa kanya. Inilubog naman niya sa dugo ang kanyang daliri at nilagyan ang mga sungay ng altar at ibinuhos sa paanan nito ang natira. Ngunit ang taba, mga bato at ang ibabang bahagi ng atay ng handog para sa kapatawaran ng kasalanan ay sinunog niya sa altar, gaya ng utos ni Yahweh. Ang laman at balat nito ay sinunog naman niya sa labas ng kampo. Pinatay rin ni Aaron ang handog na susunugin. Ibinigay sa kanya ng kanyang mga anak ang dugo nito at ibinuhos sa paligid ng altar. Ibinigay din sa kanya ang kinatay na handog, at kasama ng ulo'y sinunog niya ang mga ito sa altar. Hinugasan niya ang laman-loob, ang mga hita at sinunog din sa altar, kasama ng iba pang bahagi ng handog na susunugin. Pagkatapos, inilapit sa kanya ang lalaking kambing at pinatay niya ito bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan ng buong sambayanan. Ang handog na susunugin ay inihandog din niya ayon sa utos. Kumuha siya ng isang dakot na harina mula sa handog na pagkaing butil at sinunog ito sa altar kasama ng handog na sinusunog sa umaga. Sa kahuli-huliha'y pinatay niya ang toro at ang lalaking tupa, ang handog ng mga tao para sa kapayapaan. Ang dugo nito ay dinala kay Aaron ng kanyang mga anak, at ito nama'y ibinuhos niya sa paligid ng altar. Ang taba naman ng mga ito, ang nasa buntot, ang bumabalot sa laman-loob, mga bato at ang ibabang bahagi ng atay, ay ipinatong niya sa mga dibdib ng mga handog. Pagkatapos, ang mga taba ay sinunog niya sa ibabaw ng altar. Ang dibdib at kanang hita ng mga hayop ay ginawang natatanging handog para kay Yahweh, ayon sa iniutos ni Moises. Itinaas ni Aaron ang kanyang mga kamay at binasbasan ang mga tao. Pagkatapos, bumabâ siya mula sa altar na pinaghandugan niya. Sina Moises at Aaron ay pumasok sa Toldang Tipanan. Paglabas doon, binasbasan nila ang mga tao at nakita ng lahat ang maningning na kaluwalhatian ni Yahweh. Sa harapan niya, nagkaroon ng apoy at tinupok ang handog na susunugin pati ang taba na nasa altar. Nang makita ito ng mga tao, sila'y napasigaw at nagpatirapa. Ang dalawang anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu ay kumuha ng sunugan ng insenso, nilagyan nila ito ng apoy at nagsunog ng insenso at humarap kay Yahweh. Ngunit gumamit sila ng apoy na hindi nararapat, sapagkat hindi ito iyong iniutos sa kanila ni Yahweh. Kaya't mula kay Yahweh ay lumabas ang apoy at tinupok sila. Sinabi ni Moises kay Aaron, “Ito ang kahulugan ng sinabi ni Yahweh: ‘Dapat akong kilalaning banal ng sinumang lumalapit sa akin at dapat akong parangalan sa harapan ng mga tao.’” Hindi nakaimik si Aaron. Kaya't ipinatawag ni Moises sina Misael at Elzafan, mga anak ni Uziel na tiyo ni Aaron at sinabi sa kanila, “Alisin ninyo sa harap ng santuwaryo ang bangkay ng inyong mga pinsan at ilabas ninyo sa kampo.” Lumapit ang dalawa at inilabas nga nila ang mga bangkay na suot pa rin ang kanilang mahabang panloob na kasuotan. Sinabi ni Moises kay Aaron at sa dalawang anak nitong sina Eleazar at Itamar, “Huwag ninyong guluhin ang inyong buhok ni punitin man ang inyong damit bilang pagluluksa dahil sa nangyari kung ayaw ninyong mamatay at magalit ang Diyos sa mga tao. Ngunit sila'y maaaring ipagluksa ng bayan dahil sa kanilang sinapit. Huwag kayong lalayo sa pintuan ng Toldang Tipanan sapagkat kayo ay itinalaga na ng langis ni Yahweh. Baka kayo ay mamatay kapag di kayo sumunod.” At sinunod naman nila ang iniutos ni Moises. Sinabi ni Yahweh kay Aaron, “Kung ikaw at ang iyong mga anak ay pupunta sa Toldang Tipanan, huwag kayong iinom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Mamamatay kayo kapag ginawa ninyo iyon. Ito ay tuntunin na dapat tuparin ng lahat ng inyong salinlahi. Dapat ninyong malaman kung alin ang sagrado o hindi at kung alin ang malinis o marumi. Ang lahat ng iniuutos ko kay Moises ay dapat ninyong ituro sa sambayanang Israel.” Sinabi ni Moises kay Aaron at sa dalawa pang anak niyang natitira, sina Eleazar at Itamar, “Kunin ninyo ang natira sa handog na pagkaing butil kay Yahweh at gawing tinapay na walang pampaalsa. Kakainin ninyo ito sa tabi ng altar sapagkat ito'y ganap na sagrado. Kakainin ninyo ito sa isang banal na lugar sapagkat ito ang bahaging para sa inyo at sa inyong mga anak na lalaki mula sa pagkaing inihandog kay Yahweh. Ito ang iniutos niya sa akin. Ngunit ang dibdib at hita ng handog na susunugin ay para sa iyo at sa iyong mga anak na lalaki at babae. Kakainin ninyo iyon sa isang sagradong lugar ayon sa tuntunin sapagkat iyo'y kaloob sa inyo bilang bahagi mula sa handog pangkapayapaan ng mga Israelita. Ang dibdib at ang hitang binanggit ay dadalhin nila sa altar kasama ng mga tabang susunugin at iaalay bilang natatanging handog kay Yahweh. Pagkatapos, ito'y ibibigay sa inyo. Ang tuntunin na ito ay panghabang panahon, ayon sa utos ni Yahweh.” Nang siyasatin ni Moises ang tungkol sa kambing na inihandog para sa kapatawaran ng kasalanan, natuklasan niyang iyo'y nasunog na. Nagalit siya kina Eleazar at Itamar at ang sabi, “Bakit hindi ninyo kinain sa banal na lugar ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan? Hindi ba ninyo alam na ganap na sagrado iyon at ibinigay sa inyo para kumatawan kayo sa buong bayan ng Israel sa harapan ni Yahweh upang sila'y patawarin niya sa kanilang kasalanan? Sapagkat ang dugo niyon ay hindi dinala sa loob ng santuwaryo, dapat sana'y kinain ninyo roon ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan, gaya ng ipinag-utos ko.” Ngunit sumagot si Aaron, “Sa araw na ito'y naghain sila ng handog para sa kapatawaran ng kasalanan at handog na susunugin, ngunit ito pa ang aking sinapit. Kung ako ba'y kumain ngayon ng handog para sa kasalanan, ako ba'y magiging karapat-dapat sa paningin ni Yahweh?” Sumang-ayon si Moises sa mga sinabing ito ni Aaron. Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Ganito ang sabihin ninyo sa bayang Israel: Sa mga hayop na lumalakad sa lupa, makakain ninyo ang lahat ng hayop na biyak ang kuko at ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura. Kaya ang kamelyo kahit na ngumunguya ito ngunit hindi biyak ang kuko ay di dapat kainin. Ang dagang gubat ay ngumunguya rin ng pagkaing mula sa sikmura ngunit hindi biyak ang kuko; hindi ito malinis, kaya di dapat kainin. Ang kunehong gubat ay ngumunguya rin ng pagkaing galing sa sikmura ngunit hindi rin biyak ang kuko nito; hindi ito malinis. Ang baboy, biyak nga ang kuko, ngunit hindi naman ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura, kaya hindi ito dapat kainin. Huwag kayong kakain ng karne ni hihipo man ng bangkay ng mga hayop na ito; marurumi ito para sa inyo. “Sa mga nilikhang nasa tubig, maging alat o tabang, ang maaari lamang ninyong kainin ay ang mga isdang may palikpik at kaliskis. Ngunit ang isdang walang palikpik at kaliskis, malaki man o maliit, sa dagat o ilog ay marumi para sa inyo. Huwag kayong kakain nito at iwasan ninyo ang mga patay nito. Lahat ng nilikha sa tubig na walang palikpik at kaliskis ay huwag ninyong kainin. “Tungkol naman sa mga ibon, ang mga ito ang huwag ninyong kakainin sapagkat marurumi: ang agila, ang buwitre at ang agilang-dagat; ang lawin at ang limbas at mga kauri nito; lahat ng uri ng uwak; ang ostrits, panggabing lawin, lawing dagat at mga kauri nito; lahat ng uri ng kuwago, ibong maninisid ng isda, ang kuwagong parang may sungay, at ang pelicano; ang lahat ng uri ng tagak, ang tariktik, paniki at kabag. “Lahat ng kulisap na may pakpak at may apat na paa ay marurumi para sa inyo, maliban sa mga kulisap na lumulundag, tulad ng lahat ng balang na mahahaba ang ulo, balang na kulay berde at bawat balang sa ilang. Ang lahat ng naglipanang lumilipad na may apat na paa ay ituturing ninyong marurumi. “Ang sinumang humawak sa bangkay ng mga hayop na ito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. Ang sinumang dumampot sa mga ito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw at dapat niyang labhan ang kanyang damit. Bawat hayop na biyak ang kuko ngunit hindi ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura ay marumi nga at ituturing na marumi rin ang bawat humawak rito. Ituturing ninyong marumi ang mga hayop na may apat na paa, ngunit ang kuko'y hindi sumasayad sa lupa kapag lumalakad. Ang sinumang humawak sa bangkay nito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. Dapat labhan ang kasuotan ng sinumang humawak nito at siya ay ituturing ninyong marumi hanggang sa paglubog ng araw. “Sa mga hayop na naglipana sa lupa, ituturing ninyong marumi ang mga sumusunod: ang bubuwit, ang daga, at lahat ng uri ng bayawak; ang tuko, ang buwaya, ang butiki, ang bubuli at ang hunyango. Marurumi ang lahat ng ito at sinumang humawak sa alinmang patay nito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. Kung ang alinman sa mga ito ang mamatay at lumagpak sa damit, kagamitang kahoy, balat o anumang kagamitang pang-araw-araw, ituturing na marumi ang nilagpakan nito hanggang sa paglubog ng araw; kailangang ibabad sa tubig ang nasabing kagamitan. Kung sa palayok ito mahulog, ituring ding marumi ang laman nito at dapat nang basagin ang palayok. Anumang pagkaing may sabaw o inuming tubig na malagay dito ay ituturing na marumi. Marumi nga ang anumang lagpakan ng ganitong uri ng patay na hayop. Kung mahulog sa kalan o palayok, dapat sirain ito; ituturing nang marumi iyon. Ngunit ang batis o ipunan ng tubig na malagpakan nito ay mananatiling malinis; gayunman, ang humawak sa patay na hayop ay ituturing na marumi. Kung ang patay na hayop ay lumagpak sa binhing pananim, ito'y mananatiling malinis, ngunit kung ang binhi ay babad na sa tubig, magiging marumi na ito. “Kung mamatay ang anumang hayop na maaaring kainin, ang sinumang humawak rito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. Dapat labhan ang kasuotan ng sinumang kumain o bumuhat nito, at siya'y ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw. “Lahat ng maliliit na hayop na gumagapang sa lupa ay huwag ninyong kakainin sapagkat ito'y marurumi, maging ito'y gumagapang sa lupa o naglalakad na may apat na paa o higit pa. Huwag ninyong dudumhan ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagkain ng alinman sa maruruming hayop na ito. Panatilihin ninyong malinis ang inyong sarili, sapagkat akong si Yahweh na inyong Diyos ay banal. Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto upang maging Diyos ninyo. Dapat kayong maging banal sapagkat ako'y banal.” Ito ang mga tuntunin tungkol sa mga hayop, sa mga ibon at sa mga nilikha sa tubig, para malaman ninyo ang malinis o hindi, ang makakain at hindi makakain. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ganito ang sabihin mo sa bayang Israel: Kung ang isang babae ay manganak ng lalaki, pitong araw siyang ituturing na marumi, tulad nang panahong siya'y may regla. Pagdating ng ikawalong araw, dapat nang tuliin ang sanggol. Tatlumpu't tatlong araw pa ang hihintayin ng ina bago siya ituring na malinis. Hindi siya dapat humawak ng anumang bagay na sagrado at hindi rin dapat pumasok sa santuwaryo hanggang hindi natatapos ang takdang panahon. Kung babae naman ang kanyang anak, labing-apat na araw siyang ituturing na marumi, gaya rin nang siya'y may regla. Animnapu't anim na araw pa siyang maghihintay bago siya ituring na malinis. “Kung tapos na ang panahon ng kanyang paglilinis, siya'y maghahandog kay Yahweh, maging lalaki o babae man ang kanyang anak. Magdadala siya sa pari sa may pintuan ng Toldang Tipanan ng isang tupang isang taóng gulang bilang handog na susunugin, at isang kalapati o batu-bato bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Ihahandog ito ng pari para sa nanganak, at ang babae'y ituturing na malinis. Ganito ang tuntuning dapat sundin ng isang nanganak. “Kung hindi niya kayang maghandog ng tupa, kukuha siya ng dalawang batu-bato o dalawang kalapati; ang isa'y handog na susunugin at ang isa nama'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Matapos ihandog ng pari ang mga ito, ituturing nang malinis ang ina.” Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Kung ang balat ninuman ay mamaga, magnana o kaya'y magkaroon ng parang singaw, at ang mga ito'y maging sakit sa balat na parang ketong, dapat siyang dalhin kay Aaron o sa mga anak niyang pari. Susuriin ito ng pari at kung makita nitong namuti ang balahibo sa balat at sa palagay nito'y tagos hanggang laman, ang taong iyon ay maysakit sa balat na parang ketong. Kung magkagayon, ipahahayag niya itong marumi. Ngunit kung balat lamang ang namuti at hindi pati balahibo, ihihiwalay siya nang pitong araw. Pagkatapos, susuriin siyang muli sa ikapitong araw at kung sa tingin ng pari ay hindi lumalala ang sakit sa balat, pitong araw pa niya itong ihihiwalay. Pagkaraan ng pitong araw, susuriin niyang muli ang may sakit. Kung nagbalik sa dati ang kulay ng kanyang balat at ang sakit sa balat ay hindi kumalat sa ibang bahagi ng kanyang katawan, ipahahayag siyang malinis dahil isa lamang itong pamamaga. Lalabhan niya ang kanyang damit at siya'y magiging malinis na. Ngunit kung mamaga uli ang kanyang balat at kumalat ang sakit sa ibang bahagi ng katawan, muli siyang haharap sa pari. Sisiyasatin siyang muli at kung ang pamamaga ay kumakalat nga, ipahahayag ng pari na ang maysakit ay marumi. May sakit sa balat na parang ketong ang taong iyon. “Ang sinumang magkaroon ng sakit na ito ay dapat dalhin sa pari para masuri. Sisiyasatin ito at kung ang namamagang balat ay mamuti at magnaknak at ang balahibo nito ay mamuti rin, hindi na siya ihihiwalay pa sapagkat tiyak ngang siya'y marumi. Kung kumalat ito sa buong katawan, sisiyasatin siya ng pari at kung naging maputing lahat ang balat niya, ipahahayag siyang malinis. Subalit sa sandaling magbalik ang dating kulay at ang balat ay muling magsugat-sugat, ituturing siyang marumi. Sisiyasatin siya ng pari at kung gayon nga ang makita rito, ipahahayag nitong marumi ang taong iyon. Ang paglitaw ng mga sugat ay tanda na ang taong iyon ay may sakit sa balat na parang ketong at siya ay maituturing na marumi. Kung sakaling gumaling ang sugat at pumuti ang balat, dapat siyang pumunta sa pari upang muling magpasuri. Kung makita ng pari na ang kanyang sugat ay pumuti, ipahahayag siyang magaling na. Malinis na siya ayon sa rituwal. “Kung magkapigsa ang alinmang bahagi ng kanyang katawan at gumaling, ngunit ito'y mamaga uli at mamuti o mamula, dapat humarap sa pari ang taong iyon. Kung makita niyang tagos sa laman ang sugat at ang balahibo nito ay namuti, ang taong iyon ay may sakit sa balat na parang ketong; ang pinagmulan nito ay sa pigsa. Ngunit kung hindi naman tagos sa laman at hindi namuti ang balahibo, ang maysakit ay ibubukod nang pitong araw. Kung lumaganap ito sa ibang bahagi ng katawan, ipahahayag siyang marumi sapagkat siya'y may nakakahawang sakit sa balat. Kung hindi naman kumalat sa ibang bahagi ng katawan, ito'y marka lamang ng pigsa at ipahahayag ng pari na malinis ang taong iyon. “Kung mapaso ang isang parte ng katawan at ang parteng hindi napaso ay namula o namuti, susuriin ito ng pari. Kung pumuti ang balahibo nito at tumagos sa laman ang sugat, ito'y sakit sa balat na parang ketong. Ipahahayag na marumi ang taong iyon. Kung makita ng pari na ang balahibo ng napasong parte ng katawan ay hindi namuti at hindi tagos sa laman ang sugat, ihihiwalay niya ang taong iyon nang pitong araw. Pagkatapos, ito'y susuriin ng pari at kung ang sakit ay kumakalat sa katawan, ipahahayag na marumi ang taong iyon. Siya ay may sakit sa balat na parang ketong. Ngunit kung hindi kumakalat o humahawa sa ibang panig ng katawan at maputla ang kulay, pamamaga lamang ito ng napaso; ipahahayag siya ng pari bilang malinis sapagkat ito'y paltos lamang. “Kung ang isang lalaki o babae ay magkasugat sa ulo o sa baba, susuriin siya ng pari. Kung nangangati at tagos sa laman ang sugat, at ang buhok ay numinipis at naninilaw-nilaw, ipahahayag siyang marumi; siya'y may sakit sa balat na parang ketong. Ngunit kung ang nangangating sugat ay hindi naman umabot sa laman at hindi nanilaw ang buhok, ihihiwalay siya sa loob nang pitong araw. Pagkatapos, susuriin siya ng pari. Kung hindi ito kumakalat at di tagos sa laman o hindi naninilaw ang buhok, mag-aahit ang maysakit maliban sa palibot ng sugat, ngunit pitong araw pa siyang ihihiwalay. Sa ikapitong araw, susuriin siyang muli ng pari. Kung ang sugat ay hindi kumakalat sa ibang panig ng katawan, ipahahayag siya ng pari bilang malinis. Maglalaba siya ng kanyang damit at siya'y magiging malinis. Ngunit pagkatapos niyang makapaglinis at magkaroon muli ng sugat sa ibang panig ng katawan, susuriin siya ng pari. Kung kumakalat ang sugat, ang taong iyon ay ituturing na marumi kahit hindi naninilaw ang buhok sa may sugat. Kung sa tingin ng pari ay hindi kumakalat ang sugat at tinutubuan na ito ng itim na buhok, magaling na ang taong iyon at ituturing nang malinis. “Kung ang sinumang babae o lalaki ay magkaroon ng mga batik na puti sa kanyang balat, susuriin siya ng pari. Kung hindi masyadong maputi ang batik, an-an lamang iyon; siya'y ituturing na malinis. “Kung nalalagas ang buhok ng isang tao, hindi siya ituturing na marumi kahit siya'y kalbo. Kung malugas ang buhok sa gawing noo, siya ay kalbo rin, ngunit ituturing na malinis. Ngunit kung may lumitaw na mamula-mulang sugat sa kalbo niyang ulo o noo, ito'y maaaring sakit sa balat na parang ketong. Susuriin siya ng pari. Kung ang sugat na iyon ay tulad ng sakit sa balat na parang ketong na tumubo sa ibang bahagi ng katawan, ipahahayag ng pari na siya'y marumi dahil sa sakit sa balat na parang ketong na nasa kanyang ulo. “Ang taong may sakit sa balat na parang ketong ay dapat magsuot ng sirang damit, huwag mag-aayos ng buhok, tatakpan ang kanyang nguso at laging sisigaw ng, ‘Marumi ako! Marumi ako!’ Hangga't siya'y may sugat, ituturing siyang marumi at sa labas ng kampo maninirahang mag-isa.” “Kung magkaroon ng amag ang damit na lana o lino o ang sinulid na lana o lino na di pa nahahabi o anumang yari sa balat, at kung berde o mamula-mula ang amag, ito'y dapat ipakita sa pari. Susuriin niya ito at pitong araw na ipapatago ang damit na nagkabatik. Sa ikapitong araw, muli niyang titingnan ito at kung ang amag ay humawa sa ibang bahagi ng damit, maging ito'y kagamitang yari sa tela o balat, ituturing itong marumi. Susunugin na niya ang mga ito sapagkat ito'y nakakahawa. “Subalit kung hindi naman humahawa sa ibang parte ang mantsa nito, maging ito'y sa damit, sa kagamitang yari sa balat o sinulid, iuutos niyang labhan iyon, ngunit ipapatago pa niya nang pitong araw. Pagkatapos, muli itong sisiyasatin ng pari. Kung hindi pa rin nagbabago ang kulay nito, kahit hindi humahawa, ituturing na itong marumi at dapat sunugin, kahit ang amag ay nasa loob o nasa labas na bahagi ng kagamitan. “Ngunit kung mapuna niyang kumupas ang mantsa, ang bahaging iyo'y gugupitin niya sa damit o kagamitang yari sa tela o balat. At kung may lumitaw pang ibang mantsa, ang damit ay dapat nang sunugin. Ngunit kung malabhan ang damit, kagamitang yari sa balat o sinulid, at maalis ang mantsa, ito'y lalabhang muli at ituturing nang malinis.” Ito ang tuntunin tungkol sa mga amag ng anumang kasuotang damit o balat upang malaman kung marumi o malinis ang mga iyon. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ganito naman ang tuntunin sa paglilinis ng taong may sakit sa balat na parang ketong. Sa araw na siya'y lilinisin, haharap siya sa pari sa labas ng kampo at susuriin. Kung magaling na ang maysakit, magpapakuha ang pari ng dalawang ibong buháy at malinis, kapirasong kahoy na sedar, pulang lana at hisopo. Ipapapatay sa kanya ng pari ang isang ibon sa tapat ng isang bangang may tubig na galing sa bukal. Itutubog niya sa dugo nito ang ibong buháy, ang kahoy na sedar, ang pulang lana at ang hisopo. Ang dugo ay iwiwisik nang pitong beses sa taong may sakit sa balat at ipahahayag siya ng pari bilang malinis. Pagkatapos, paliliparin niya sa kabukiran ang ibong buháy. Lalabhan ng nagkasakit ang kanyang damit, siya'y magpapakalbo at maliligo, sa gayon, ituturing na siyang malinis. Pahihintulutan na siyang makapasok sa kampo ngunit mananatili pang pitong araw sa labas ng kanyang tolda. At sa ikapitong araw, aahitin niyang muli ang lahat ng buhok niya sa ulo, ang kanyang balbas at kilay at lahat ng balahibo sa katawan. Lalabhan niya ang kanyang damit at siya'y maliligo; sa gayon, magiging malinis siya. “Sa ikawalong araw, magdadala siya ng tatlong tupa na isang taóng gulang at walang kapintasan; dalawa nito'y lalaki. Magdadala rin siya ng isa't kalahating salop ng mainam na harina na may halong langis at 1/3 litrong langis bilang handog na pagkaing butil. Dala ang kanyang handog, isasama siya ng pari sa harapan ni Yahweh sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Itataas ng pari sa harapan ni Yahweh ang isang lalaking tupa at ang 1/3 litrong langis bilang natatanging handog na pambayad sa kasalanan. Papatayin ang tupa doon sa lugar na pinagpapatayan ng mga handog para sa kapatawaran ng kasalanan at handog na susunugin sa loob ng lugar na banal. Ang handog na pambayad sa kasalanan, tulad ng handog para sa kapatawaran ng kasalanan, ay para sa pari at napakabanal. Kukuha ang pari ng dugo ng handog na pambayad sa kasalanan at papahiran niya ang lambi ng kanang tainga at ang hinlalaki ng kanang kamay at paa ng taong nililinis. Pagkatapos, kukunin ng pari ang langis at magbubuhos ng kaunti sa kanyang kaliwang palad. Isasawsaw niya rito ang isang daliri sa kanyang kanang kamay at pitong beses niyang wiwisikan ang harap ng altar. Kukuha pa siya ng kaunting langis sa kanyang palad at kaunting dugo mula sa handog na pambayad sa kasalanan at ipapahid niya ito sa lambi ng tainga at sa hinlalaki ng kamay at paa ng taong nililinis. Ang natirang langis sa kanyang palad ay ipapahid niya sa ulo ng taong nililinis bilang handog kay Yahweh para sa kapatawaran ng kasalanan. “Iaalay ng pari ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan at sa pamamagitan nito'y tutubusin ang taong nililinis. Pagkatapos, papatayin niya ang handog na susunugin at ihahandog niya ito sa altar kasama ng handog na pagkaing butil. Sa gayon, matutubos ang taong iyon at magiging malinis. “Kung dukha ang taong maghahandog, mag-aalay siya ng isang tupang lalaki bilang natatanging handog na pambayad sa kasalanan, kalahating salop ng harinang may halong langis bilang handog na pagkaing butil at 1/3 litrong langis. Mag-aalay rin siya ng dalawang batu-bato o kalapati, ayon sa kanyang kaya; ang isa'y handog para sa kasalanan at handog na susunugin naman ang isa. Pagdating ng ikawalong araw, dadalhin niya ang kanyang mga handog sa harapan ni Yahweh sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Kukunin at itataas ng pari sa harapan ni Yahweh ang tupang lalaki at ang 1/3 litrong langis bilang handog na pambayad sa kasalanan. Ang tupa'y papatayin ng pari, kukuha siya ng dugo nito at ipapahid sa lambi ng kanang tainga at hinlalaki ng kanang kamay at paa ng maghahandog. Magbubuhos ang pari ng kaunting langis sa kaliwang palad niya, isasawsaw ang isang daliri sa kanyang kanang kamay at pitong beses niyang wiwisikan ang harap ng altar. Papahiran din niya ng kaunting langis ang lambi ng kanang tainga at ang hinlalaki ng kanang kamay at paa ng taong gumaling sa sakit, doon sa mismong bahaging pinahiran ng dugong galing sa handog na pambayad sa kasalanan. Ang natirang langis sa kanyang palad ay ipapahid niya sa ulo ng taong iyon bilang pantubos sa kanya sa harapan ni Yahweh. Ihahandog din niya ang dalawang batu-bato o kalapati na kanyang nakayanan; ang isa nito'y para sa kasalanan at ang isa naman ay para sa handog na susunugin kasama ang handog na pagkaing butil. Ito ang gagawin ng pari upang linisin ang nagkasakit. Ganito ang tuntunin na dapat sundin para sa taong may sakit sa balat na parang ketong at hindi kayang maghandog ng ukol dito.” Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron: “Pagdating ninyo sa Canaan, sa lupaing ibibigay ko sa inyo, at magkaroon ng amag na kumakalat ang bahay na tinitirhan ninyo, kailangang ipagbigay-alam agad ito sa pari. Ipapaalis ng pari ang lahat ng kasangkapan doon bago siya magsiyasat; kung hindi, ituturing ding marumi ang mga bagay na naroon. Pagkatapos, papasok na siya upang magsiyasat. Kung makita niyang may mga palatandaang bahid sa mga dingding, maging ang kulay ay berde o pula, lalabas agad siya at pitong araw niyang ipasasara ang bahay na iyon. Babalik siya sa ikapitong araw at kung ang bahid ay humawa sa dingding ng bahay, ipapabakbak niya ang mga batong may bahid at ipapatapon sa labas ng bayan, sa tambakan ng dumi. Ipapabakbak din ang palitada ng loob ng bahay at itatapon sa tambakan ng basura ang lahat ng duming makukuha. Ang mga batong binakbak sa loob ng bahay ay papalitan ng bago at papalitadahan nang panibago ang loob ng bahay. “Kung ang amag ay lumitaw na muli sa bahay matapos gawin ang lahat ng ito, magsisiyasat muli ang pari. Kung ang amag ay kumalat, ipahahayag na niyang marumi ang bahay na iyon. Ipasisira na niya ito nang lubusan at ipatatambak sa labas ng bayan sa tapunan ng basura. Ang sinumang pumasok sa tahanang iyon habang nakasara ay ituturing na marumi hanggang gabi. Ang sinumang kumain o matulog doon ay dapat magbihis at maglaba ng damit na kanyang sinuot. “Kung makita ng pari na hindi naman kumakalat ang amag pagkatapos palitadahang muli ang bahay, ipahahayag niyang ito'y malinis na. Upang lubos itong luminis, kukuha ang pari ng dalawang ibon, kapirasong kahoy na sedar, pulang lana at hisopo. Papatayin niya ang isa sa mga ibon at ang dugo nito'y patutuluin sa isang bangang may tubig na galing sa bukal. Ang kapirasong sedar, ang pulang lana, ang hisopo at ang buháy na ibon ay itutubog niya sa banga. Pagkatapos, wiwisikan niya ng pitong beses ang bahay. Sa gayon, magiging malinis na ito. Pakakawalan naman niya sa kaparangan ang buháy na ibon. Sa gayon, matutubos ang bahay at muling ituturing na malinis.” Ito ang mga tuntunin tungkol sa sakit sa balat na parang ketong at pangangati: sa amag sa damit o sa bahay, at sa namamaga o anumang tumutubong sugat. Ito ang mga tuntunin upang malaman kung ang isang tao o bagay ay malinis o marumi. Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Sabihin ninyo ito sa bayang Israel: Ang sinumang lalaking may tulo ay ituturing na marumi. At ito ang susundin niyang tuntunin malalâ man o hindi ang kanyang sakit, sapagkat siya'y itinuturing na marumi. Ang alinmang higaan at upuang gamitin niya ay ituturing na marumi. Sinumang makahipo sa higaan nito ay dapat maligo at magbihis. Lalabhan niya ang kanyang damit at ituturing siyang marumi hanggang gabi. Gayon din ang dapat gawin ng umupo sa inupuan ng may tulo; lalabhan din ang damit, maliligo at magbibihis at ituturing na marumi hanggang gabi. Ang humawak sa may sakit na tulo ay dapat maligo at magbihis; lalabhan niya ang kanyang damit, at ituturing siyang marumi hanggang gabi. Sinumang maduraan ng may ganitong sakit ay dapat ding maligo at magbihis; lalabhan niya ang kanyang damit at siya'y ituturing na marumi hanggang gabi. Ituturing ding marumi ang upuan na ginamit sa hayop na sinakyan niya. Ang sinumang makahipo sa anumang bagay na kanyang hinigan ay ituturing na marumi. Ang sinumang magdala ng kanyang inupuan ay dapat maligo at magbihis; lalabhan niya ang kanyang damit at ituturing siyang marumi hanggang gabi. Ang sinumang mahawakan ng lalaking may sakit na tulo na di muna naghugas ng kamay ay dapat maligo at magbihis; lalabhan niya ang kanyang damit at ituturing siyang marumi hanggang gabi. Ang mga sisidlang yari sa putik na mahipo niya ay dapat basagin; kung sisidlang kahoy naman, dapat itong hugasang mabuti. “Kung ang maysakit nito ay gumaling na, maghihintay siya ng pitong araw saka maglilinis. Sa ikapitong araw, lalabhan niya ang kanyang kasuotan at maliligo sa umaagos na batis at siya'y magiging malinis na. Kinabukasan, kukuha siya ng dalawang batu-bato o kaya'y dalawang kalapati at dadalhin niya sa harapan ni Yahweh, sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Ibibigay niya ito sa pari upang ihandog, ang isa'y para sa kasalanan at ang isa nama'y handog na susunugin. Ganito lilinisin ng pari sa harapan ni Yahweh ang taong nagkasakit ng tulo. “Kapag ang isang lalaki ay nilabasan ng sariling binhi, dapat siyang maligo; ituturing siyang marumi hanggang gabi. Dapat labhan ang alinmang kasuotang yari sa tela o balat ng hayop na nabahiran nito, at hugasan ang alinmang bahagi ng katawan na natuluan ng binhi; iyo'y ituturing na marumi hanggang gabi. Pagkatapos magtalik ang isang lalaki at isang babae, dapat maligo silang pareho; sila'y ituturing na marumi hanggang gabi. “Ang sinumang babaing nireregla ay pitong araw na ituturing na marumi. Ituturing ding marumi hanggang gabi ang makahawak sa kanya. Ang anumang kanyang mahigaan o maupuan sa loob ng panahong iyon ay ituturing na marumi. Ang sinumang makahipo sa higaan niya ay dapat maligo, lalabhan nito ang kanyang kasuotan, at siya'y ituturing ding marumi hanggang gabi. Ang sinumang makahawak sa anumang maupuan ng babaing ito ay dapat ding maligo, lalabhan niya ang kanyang damit at ituturing siyang marumi hanggang gabi. Ang makahawak ng anumang nasa hinigaan o inupuan ng babaing iyon ay ituturing na marumi hanggang gabi. Sinumang lalaking makipagtalik sa babaing may regla ay pitong araw na ituturing na marumi. Anumang kanyang mahigaan ay ituturing ding marumi. “Kung ang sinumang babae ay dinudugo nang wala sa panahon, o lumampas kaya sa takdang panahon ng kanyang pagreregla, ituturing siyang marumi habang siya'y dinudugo, tulad nang siya'y nireregla. Ang anumang mahigaan o maupuan niya sa loob ng panahong iyon ay ituturing na marumi, tulad din ng siya'y nireregla. Ang sinumang makahipo sa mga bagay na ito ay dapat maligo; lalabhan niya ang kanyang kasuotan at ituturing siyang marumi hanggang gabi. Kung huminto na ang kanyang pagdurugo, siya'y bibilang ng pitong araw mula noon at magiging malinis na siya. Sa ikawalong araw, kukuha siya ng dalawang batu-bato o dalawang kalapati at dadalhin niya sa pari sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Ihahandog ang isa nito para sa kasalanan, at ang isa nama'y handog na susunugin. Sa ganitong paraan lilinisin siya ng pari sa harapan ni Yahweh. “Ganito ninyo ilalayo sa karumihan ang mga taga-Israel sapagkat kung hindi ninyo ito gagawin, mamamatay sila sa paglapastangan sa tabernakulo na nasa gitna nila.” Ito ang mga tuntunin para sa paglilinis ng lalaking may tulo, o nilabasan ng sariling binhi, sa babaing nireregla, at sa lalaking makikipagtalik sa isang babaing itinuturing na marumi. Pagkamatay ng dalawang anak ni Aaron dahil sa kanilang paglapit nang di nararapat sa harapan ni Yahweh, si Moises ay kinausap ni Yahweh. Sabi niya, “Sabihin mo sa kapatid mong si Aaron na makakalapit lamang siya sa Dakong Kabanal-banalan sa loob ng tabing sa takdang panahon. Sapagkat magpapakita ako roon sa pamamagitan ng ulap sa ibabaw ng Luklukan ng Awa na nasa ibabaw ng Kaban ng Tipan. Mamamatay siya kapag siya'y sumuway. Makakapasok lamang siya roon pagkatapos niyang magdala ng batang toro bilang handog para sa kasalanan at isang lalaking tupa bilang handog na susunugin. Siya'y maliligo; pagkatapos, magsusuot ng sagradong kasuotan—linong mahabang panloob na kasuotan, linong salawal, linong pamigkis, at linong turbante. Bibigyan siya ng mga Israelita ng dalawang lalaking kambing na ihahandog para sa kasalanan at isang lalaking tupa bilang handog na susunugin. “Ihahandog niya ang toro para sa kasalanan niya at ng kanyang sambahayan. Pagkatapos, dadalhin niya ang dalawang kambing sa harapan ni Yahweh sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Sa pamamagitan ng palabunutan malalaman kung alin sa dalawa ang para kay Yahweh at alin ang para kay Azazel. Ang para kay Yahweh ay papatayin at iaalay tulad ng karaniwang handog para sa kasalanan. Ngunit ang para kay Azazel ay buháy na ihahandog sa akin bilang pantubos sa kasalanan, saka pakakawalan sa ilang para kay Azazel. “Ang batang toro ay papatayin ni Aaron at ihahandog para sa kasalanan niya at ng kanyang pamilya. Pagkatapos, kukunin niya ang lalagyan ng insenso at pupunuin ng baga buhat sa altar na sunugan ng handog. Kukuha rin siya ng dalawang dakot na pinulbos na insenso at dadalhin sa loob ng tabing. Upang hindi siya mamatay, ibubuhos niya ang insenso sa apoy sa harapan ko upang ang usok nito ay tumakip sa harap ng Luklukan ng Awa na nasa ibabaw ng Kaban ng Tipan. Kukuha siya ng dugo ng batang toro, at sa pamamagitan ng kanyang daliri ay iwiwisik ito nang minsan sa harap ng Luklukan ng Awa at pitong beses sa harap ng Kaban ng Tipan. “Pagkatapos, papatayin niya ang kambing bilang handog para sa kasalanan ng sambayanan. Magdadala siya ng dugo nito sa loob ng tabing at gaya ng ginawa niya sa dugo ng batang toro, iwiwisik din niya ito sa harap ng Luklukan ng Awa at sa harap ng Kaban ng Tipan. Sa gayong paraan, lilinisin niya ang Dakong Kabanal-banalan sa mga karumihan at kasalanan ng bayang Israel. Gayon din ang gagawin niya sa Toldang Tipanan na nahawa sa kanilang karumihan. Walang sinumang lalapit sa Toldang Tipanan sa sandaling pumasok doon si Aaron hanggang hindi siya lumalabas pagkatapos niyang maghandog para sa kasalanan niya, para sa kanyang pamilya at para sa kasalanan ng sambayanan. Paglabas niya, pupunta siya sa altar na sunugan ng handog upang linisin din iyon. Kukuha siya ng dugo ng batang toro at ng kambing at papahiran niya ang mga sungay ng altar. Sa pamamagitan ng kanyang daliri, pitong beses niyang wiwisikan ang altar upang ito'y pabanalin at linisin sa kasalanan ng mga Israelita. “Pagkatapos magawâ ni Aaron ang paghahandog para sa Dakong Kabanal-banalan, sa Toldang Tipanan at sa altar na sunugan ng mga handog, kukunin niya ang pangalawang kambing. Ipapatong niya ang kanyang mga kamay sa ulo nito at ipahahayag ang lahat ng kasamaan, kasalanan at pagsuway ng sambayanang Israel, sa gayon, masasalin sa hayop ang lahat ng ito. Ibibigay niya ang kambing sa isang taong naghihintay doon upang dalhin iyon sa ilang. Tataglayin ng kambing ang kasalanan ng buong bayan at pagdating sa ilang ito'y pakakawalan. “Pupunta naman si Aaron sa Toldang Tipanan at doo'y huhubarin ang damit na suot niya nang pumasok sa Dakong Kabanal-banalan at iiwan ito roon. Maliligo siya sa isang banal na lugar at matapos magbihis ng sariling damit, ihahandog niya sa altar ang handog na susunugin para sa kanyang sarili at para sa buong bayan. Susunugin din niya sa ibabaw ng altar ang taba ng mga handog para sa kasalanan. Bago bumalik sa kampo ang taong nagdala ng kambing para kay Azazel, maliligo muna siya at maglalaba ng kanyang kasuotan. Ilalabas naman sa kampo ang toro at ang kambing na inihandog para sa kasalanan. Ang balat, ang laman at ang mga dumi nito ay susunugin sa labas ng kampo. Maglalaba ng kasuotan at maliligo ang nagsunog nito bago siya makabalik sa kampo. “Ito ay tuntuning susundin ninyo magpakailanman. Tuwing ikasampung araw ng ikapitong buwan, mag-aayuno kayo at huwag magtatrabaho. Dapat itong tuparin ng lahat, maging Israelita o dayuhan, sapagkat sa araw na ito ay tutubusin kayo sa inyong mga kasalanan upang maging malinis kayo sa harapan ni Yahweh. Ito'y araw ng ganap na pamamahinga. Mag-aayuno kayo at susundin ninyo ang tuntuning ito habang panahon. Ang paghahandog para sa kasalanan ay gagampanan ng pinakapunong pari na nanunungkulan sa panahong iyon. Magsusuot siya ng mga sagradong kasuotang lino at gagawin niya ang rituwal ng paglilinis ng Dakong Kabanal-banalan, ng Toldang Tipanan, ng altar, ng mga pari at ng buong bayan. Ito'y batas na palaging tutuparin ng mga Israelita minsan isang taon upang mapatawad ang kanilang mga kasalanan.” At ginawa nga ni Moises ang utos ni Yahweh. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron, sa kanyang mga anak, at sa lahat ng Israelita, ‘Ito ang iniuutos ko: Ang sinumang Israelita na magpapatay ng toro, tupa o kambing sa loob o labas man ng kampo nang hindi dinadala sa pintuan ng Toldang Tipanan upang ihandog sa akin, ay nagkakasala dahil sa dugong pinadanak niya. Dapat siyang itiwalag sa sambayanan. Ang layunin nito'y upang ihandog kay Yahweh ang mga hayop, sa halip na patayin sa parang. Dapat nilang dalhin iyon sa pari sa may pintuan ng Toldang Tipanan upang ihandog kay Yahweh bilang handog pangkapayapaan. Iwiwisik ng pari ang dugo nito sa altar sa pintuan ng Toldang Tipanan. Ang taba niyon ay susunugin at ang usok nito'y magiging mabangong samyo para kay Yahweh. Sa gayon, hindi na nila iaalay ang mga hayop na ito sa demonyo na anyong kambing na kanilang sinasamba. Ito'y tuntuning susundin nila at ng kanilang lahi habang panahon.’ “Sabihin mo sa kanila na sinumang Israelita o dayuhang kasama nila ang magsunog ng handog, na hindi dinadala sa may pintuan ng Toldang Tipanan upang ihandog sa akin, ay ititiwalag sa sambayanan. “Ang sinumang kumain ng dugo ay kapopootan ko at ititiwalag ko sa sambayanan, maging Israelita o dayuhan man. Sapagkat ang buhay ay nasa dugo at iniuutos ko na dapat ihandog iyon sa altar bilang pantubos sa inyong buhay. Kaya nga, hindi ito dapat kainin ninuman, maging siya'y Israelita o dayuhan man. “At kapag ang sinuman sa inyo, maging Israelita o dayuhan ay humuli ng hayop o ibong makakain, dapat niyang itapon ang dugo niyon at tabunan ng lupa. Sapagkat ang buhay ng bawat hayop ay nasa dugo, kaya huwag kayong kakain ng dugo. Ang sinumang lumabag dito'y ititiwalag sa sambayanan. “Sinumang kumain ng hayop na namatay sa peste o pinatay ng kapwa hayop ay dapat maglaba ng kasuotan at maligo. Hanggang gabi siyang ituturing na marumi. Kung hindi niya gagawin iyon, siya'y mananagot.” Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Ito ang sabihin mo sa mga Israelita: ‘Ako si Yahweh ang inyong Diyos. Huwag ninyong gagayahin ang mga kaugalian sa Egipto na inyong pinanggalingan o ang mga kaugalian sa Canaan na pagdadalhan ko sa inyo. Ang sundin ninyo'y ang mga kautusan at tuntuning ibinigay ko sa inyo. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos. Ang sinumang tutupad ng aking mga kautusan at tuntunin ay mabubuhay; ako si Yahweh.’ “Huwag kayong makipagtalik sa malapit na kamag-anak. Ako si Yahweh. Huwag kayong makipagtalik sa inyong ina, iyan ay kahihiyan sa inyong ama. Hindi ninyo dapat halayin ang inyong ina. Huwag kayong makipagtalik sa ibang asawa ng inyong ama, inilalagay ninyo sa kahihiyan ang inyong sariling ama. Huwag kayong makipagtalik sa inyong kapatid na babae, maging siya'y anak ng inyong ama o ng inyong ina, ipinanganak man siya sa inyong lupain o sa ibang bayan. Huwag kayong makipagtalik sa inyong apo, maging sa anak ninyong lalaki o babae; iyan ay kahihiyan sa inyo. Huwag kayong makipagtalik sa anak ng inyong ama sa ibang babae, sapagkat siya'y kapatid din ninyo. Huwag kayong makipagtalik sa kapatid na babae ng inyong ama, siya'y kadugo ng inyong ama. Huwag kayong makipagtalik sa kapatid na babae ng inyong ina, siya'y kadugo ng inyong ina. Huwag kayong makipagtalik sa asawa ng inyong tiyo, tiya mo na rin siya. Huwag kayong makipagtalik sa inyong manugang na babae; siya'y asawa ng inyong anak na lalaki. Hindi ninyo dapat ilagay sa kahihiyan ang inyong sariling anak. Huwag kayong makipagtalik sa inyong hipag; taglay niya ang kapurihan ng inyong kapatid. Huwag kayong makipagtalik sa anak o sa apong babae ng isang babaing nakatalik ninyo noon. Maaaring ang mga iyon ay kamag-anak ninyo, at iyan ay kahalayan. Hindi ninyo maaaring maging asawa ang inyong hipag kung buháy pa ang inyong asawa. Inilalagay ninyo sa kahihiyan ang iyong asawa na kanyang kapatid. “Huwag kayong makipagtalik sa isang babae habang siya'y may regla sapagkat siya'y marumi. Huwag ninyong durungisan ang inyong sarili sa pakikiapid sa asawa ng iba. Huwag ninyong ibibigay ang alinman sa inyong mga anak upang sunugin bilang handog kay Molec sapagkat ito'y paglapastangan sa pangalan ng inyong Diyos. Ako si Yahweh. Huwag kayong makipagtalik sa kapwa ninyo lalaki; iyan ay karumal-dumal. Huwag kayong makipagtalik sa alinmang hayop sapagkat durungisan ninyo ang inyong sarili kung gagawin ninyo ito. Hindi rin dapat pasiping ang sinumang babae sa anumang hayop; ito ay kasuklam-suklam. “Huwag ninyong durungisan ang inyong sarili sa alinman sa mga gawaing ito. Ganyan ang ginawa ng mga bansang nauna sa inyo, kaya ko sila sinumpa. Pati ang lupain nila'y naging kasuklam-suklam, kaya pinarusahan ko at itinakwil ang mga mamamayan doon. Kaya dapat ninyong sundin ang aking mga utos at tuntunin, at iwasan ninyo ang lahat ng gawaing ipinagbabawal ko, maging Israelita o dayuhan man kayo. Ang mga taong nauna sa inyo rito ay namuhay sa ganoong karumal-dumal na gawain kaya naging kasumpa-sumpa ang kanilang lupain. Kapag sila'y inyong tinularan, palalayasin din kayo sa lupaing ito, tulad ng nangyari sa kanila. Sapagkat ang sinumang gumawa ng alinmang karumal-dumal na gawaing ito ay dapat itiwalag sa sambayanan. “Sundin ninyo ang ipinag-uutos ko at huwag ninyong gagayahin ang mga kasuklam-suklam na kaugalian nila upang hindi kayo maging maruming tulad nila. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.” Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa buong sambayanan ng Israel, ‘Magpakabanal kayo, sapagkat akong si Yahweh na inyong Diyos ay banal. Igalang ninyo ang inyong ama at ina. Ipangilin ninyo ang Araw ng Pamamahinga. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos. “Huwag kayong maglilingkod sa mga diyus-diyosan ni gagawa ng mga imahen upang sambahin. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.’ “Kung maghahandog kayo sa akin ng handog pangkapayapaan, gawin ninyo iyon ayon sa mga tuntuning ibinigay ko upang maging kalugud-lugod sa akin. Dapat ninyong kainin iyon sa mismong araw na iyo'y inihandog o sa kinabukasan. Kung may matira ay sunugin ninyo. Kung iyon ay kakainin sa ikatlong araw hindi magiging karapat-dapat ang inyong handog. Magkakasala at dapat parusahan ang kakain niyon sapagkat iyon ay paglapastangan sa isang bagay na banal; dapat siyang itiwalag sa sambayanan. “Kung mag-aani kayo sa inyong bukirin, itira ninyo ang nasa gilid, at huwag na ninyong balikan ang inyong naanihan. Huwag ninyong pipitasing lahat ang bunga ng ubasan ni pupulutin man ang mga nalaglag, bayaan na ninyo iyon para sa mahihirap at sa mga dayuhan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos. “Huwag kayong magnanakaw, mandaraya, o magsisinungaling. Huwag kayong manunumpa sa aking pangalan kung ito ay walang katotohanan. Iyon ay paglapastangan sa pangalan ng inyong Diyos. Ako si Yahweh. “Huwag ninyong dadayain o pagnanakawan ang inyong kapwa. Huwag ninyong ipagpapabukas ang pagpapasweldo sa inyong mga manggagawa. Huwag ninyong mumurahin ang mga bingi at lalagyan ng katitisuran ang daraanan ng mga bulag. Matakot kayo sa Diyos. Ako si Yahweh. “Huwag kayong hahatol nang hindi makatarungan. Huwag ninyong kikilingan ang mahihirap o kaya'y katatakutan ang mayayaman. Humatol kayo batay sa katuwiran. Huwag kayong magkakalat ng anumang nakakasira ng puri ng inyong kapwa, ni sasaksi laban sa inyong kapwa upang ipahamak lamang siya. Ako si Yahweh. “Huwag kayong magtatanim ng galit sa iyong kapwa. Sa halip, makipagkasundo ka sa kanya. Sa gayon, hindi ka magkakasala dahil sa kanya. Huwag kang maghihiganti o magtatanim ng galit sa iyong mga kababayan. Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. Ako si Yahweh. “Sundin ninyo ang aking mga tuntunin. Huwag ninyong palalahian ang hayop na inyong alaga sa hayop na di nito kauri. Huwag din kayong maghahasik ng dalawang uri ng binhi sa isang bukid. Huwag kayong magsusuot ng damit na yari sa dalawang uri ng sinulid. “Kung ang isang lalaki'y sumiping sa kanyang aliping babae na nakatakdang pakasal sa iba ngunit di pa natutubos o napapalaya, dapat itong siyasatin. Hindi sila dapat patayin, sapagkat di pa napapalaya ang aliping babae, ngunit ang lalaki'y magdadala ng isang tupang lalaki bilang handog na pambayad sa kanyang kasalanan. Dadalhin niya ito sa pintuan ng Toldang Tipanan at ihahandog ng pari. Sa gayon, siya'y patatawarin. “Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, tatlong taon kayong hindi kakain ng bunga ng mga punong tanim ninyo roon. Sa ikaapat na taon, ang mga bunga nito'y ihahandog ninyo sa akin bilang pasasalamat. Sa ikalimang taon, makakain na ninyo ang mga bunga nito, at ang mga ito'y mamumunga nang sagana. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos. “Huwag kayong kakain ng anumang karneng may dugo. Huwag kayong manghuhula o mangkukulam. Huwag kayong pagugupit nang pabilog at huwag magpapaahit o magpapaputol ng balbas. Huwag kayong maghihiwa sa katawan dahil sa isang namatay ni maglalagay ng tatú. Ako si Yahweh. “Huwag ninyong itutulak ang inyong mga anak na babae sa pagbebenta ng panandaliang-aliw sa templo sapagkat iyon ang magiging dahilan ng paglaganap ng kahalayan sa buong lupain. Igalang ninyo ang Araw ng Pamamahinga at ang aking santuwaryo. Ako si Yahweh. “Huwag kayong sasangguni sa mga kumakausap sa mga espiritu ng mga namatay o sa mga manghuhula. Kayo'y ituturing na marumi kapag sumangguni kayo sa kanila. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos. “Tatayo kayo kapag may kaharap na matanda. Igalang ninyo sila at matakot kayo sa Diyos. Ako si Yahweh. “Huwag ninyong aapihin ang mga dayuhang kasama ninyo. Ibigin ninyo sila at ituring na kapatid. Alalahanin ninyong naging mga dayuhan din kayo sa Egipto. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos. “Huwag kayong mandaraya sa pagsukat, pagtitimbang o pagbilang ng anuman. Ang inyong timbangan, kiluhan, sukatan ng harina, at sukatan ng langis ay kailangang walang daya. Ako ang nag-alis sa inyo sa Egipto. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos. Sundin ninyo ang lahat kong tuntunin at kautusan. Ako si Yahweh.” Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na ang sinuman sa Israel, katutubo o dayuhan, na mag-aalay ng kanyang anak bilang handog kay Molec ay babatuhin hanggang sa mamatay. Kasusuklaman ko siya at ititiwalag sa sambayanan ng Israel. Dahil sa kanyang ginawa, dinungisan niya ang banal kong tahanan at nilapastangan ang aking banal na pangalan. Kapag ipinagwalang-bahala ng mga taong-bayan ang ganoong kasamaan at hindi nila pinatay ang gumawa niyon, kasusuklaman ko ang taong iyon at ang kanyang sambahayan. Ititiwalag ko rin sa sambayanan ang mga sumasamba kay Molec. “Ang sinumang sumasangguni sa mga kumakausap sa mga espiritu ng mga namatay na o sa mga manghuhula ay kasusuklaman ko at ititiwalag sa sambayanan. Ilaan ninyo sa akin ang inyong sarili at magpakabanal kayo sapagkat akong si Yahweh ang inyong Diyos. Ingatan ninyo at sundin ang aking mga tuntunin. Ako si Yahweh. Inilalaan ko kayo para sa akin. “Ang sinumang magmura sa kanyang ama at ina ay dapat patayin. Mananagot ang sinumang lumait sa kanyang ama at ina. “Ang lalaking mangangalunya sa asawa ng iba ay dapat patayin, gayundin ang babae. Inilalagay sa kahihiyan ng isang lalaki ang kanyang sariling ama kung siya'y nakikipagtalik sa ibang asawa nito; siya at ang babae'y dapat patayin. Ang lalaking nakikipagtalik sa kanyang manugang ay nagkasala, at pareho silang dapat patayin. Ang lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki ay gumagawa ng karumal-dumal na gawain at pareho silang dapat patayin. Ang lalaking makipag-asawa sa isang babae at sa ina nito ay karumal-dumal; silang tatlo ay dapat sunugin upang mawala ang gayong kasamaan. Ang lalaking nakipagtalik sa hayop ay dapat patayin, gayundin ang hayop. Ang babaing nakipagtalik sa hayop ay dapat patayin, gayundin ang hayop. “Ang lalaking nag-asawa sa kanyang kapatid, maging ito'y kapatid sa ama o ina, at sila'y nagsama ay gumawa ng isang kahihiyan. Dapat silang itiwalag sa sambayanan. Nilagay niya ang kanyang kapatid sa kahihiyan, kaya dapat siyang parusahan. Kapag nakipagtalik ang isang lalaki sa babaing may regla, nilabag nila ang tuntunin tungkol sa karumihan. Kapwa sila ititiwalag sa sambayanan. “Kapag nakipagtalik ang isang lalaki sa kapatid ng kanyang ama o ina, sila'y nagkasala at dapat parusahan. Kapag ang isang lalaki'y nakipagtalik sa asawa ng kanyang tiyo, dinungisan niya ang dangal nito. Ang lalaking iyon at ang babae ay nagkasala at dapat parusahan; mamamatay silang walang anak. Kapag kinasama ng isang lalaki ang kanyang hipag, dinungisan niya ang dangal ng kanyang kapatid. Mamamatay silang walang anak. “Sundin ninyo ang lahat ng utos at tuntunin ko upang hindi kayo mapalayas sa lupaing pagdadalhan ko sa inyo. Huwag ninyong tularan ang gawain ng bansang pupuntahan ninyo sapagkat iyon ang dahilan kaya ko sila itinakwil. Ngunit kayo'y pinangakuan ko na ibibigay ko sa inyo ang kanilang lupain, isang lupain na mayaman at sagana sa lahat ng bagay. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos. Pinili ko kayo sa mga bansa. Kaya, dapat ninyong makilala ang marumi at malinis na mga hayop at ibon. Huwag ninyong dudungisan ang inyong mga sarili sa pagkain ng mga hayop at ibong ipinagbabawal ko sa inyo. Magpakabanal kayo sapagkat akong si Yahweh ay banal. Kayo'y pinili ko sa gitna ng mga bansa upang maging akin. “Sinumang kumakausap sa mga espiritu ng mga patay na o mga manghuhula, maging lalaki o babae, ay babatuhin hanggang sa mamatay. Sila na rin ang may kagagawan sa sarili nilang kamatayan.” Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga pari, sa mga anak ni Aaron, na ang sinuman sa kanila'y huwag lalapit sa patay, liban na lang kung ang patay ay kanyang ama, ina, anak, kapatid na lalaki o kapatid na dalaga na kasama niya sa bahay. Dapat niyang pag-ingatan na siya'y huwag marumihan sa pamamagitan ng bangkay ng kanyang mga kamag-anak sa asawa upang hindi malapastangan ang kanyang pagiging pari. “Huwag silang magpapakalbo, magpuputol ng balbas, o maghihiwa sa sarili upang ipakita lamang na sila'y nagluluksa. Ingatan nilang malinis ang kanilang sarili sa harapan ng Diyos at huwag nilang lalapastanganin ang pangalan ng Diyos. Sila ang naghahain ng handog sa akin, kaya dapat silang maging banal. Huwag silang mag-aasawa ng babaing nagbebenta ng aliw sa mga sagradong lugar, o kaya'y babaing hiniwalayan at pinalayas ng kanilang asawa, sapagkat nakalaan sa Diyos ang mga pari. Ituring ninyong banal ang pari sapagkat siya ang naghahandog ng pagkain sa akin; dapat siyang maging banal sapagkat akong si Yahweh ay banal kaya't ginawa ko kayong banal. Kung ang babaing anak ng pari ay mamuhay nang may kahalayan, nilapastangan niya ang kanyang ama, kaya dapat siyang sunugin. “Kung ang nahirang na pinakapunong pari, na binuhusan ng langis sa ulo at itinalagang magsuot ng sagradong kasuotan, ay mamatayan ng kamag-anak, huwag niyang guguluhin ang kanyang buhok ni pupunitin ang kanyang damit bilang tanda ng pagluluksa. Hindi siya maaaring lumapit sa patay kahit ito'y kanyang ama o ina. Dapat siyang manatili sa santuwaryo ng kanyang Diyos. Kapag umalis siya roon upang tingnan ang bangkay, nilapastangan na niya ang santuwaryo ng Diyos dahil nakalaan na siya sa Diyos. Ako si Yahweh. Isang birhen ang dapat mapangasawa ng pinakapunong pari. Hindi siya dapat mag-aasawa ng balo, hiwalay sa asawa, dalagang nadungisan na ang puri o babaing nagbebenta ng aliw. Ang dapat niyang mapangasawa'y isang kalahi at wala pang nakakasiping, upang huwag magkaroon ng kapintasan sa harapan ng bayan ang magiging mga anak niya. Ako si Yahweh; inilaan ko siya para sa akin.” Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo rin kay Aaron na ang sinuman sa lahi niya na may kapintasan o kapansanan ay hindi kailanman nararapat mag-alay ng handog sa akin. Hindi maaaring lumapit sa altar ang sinumang bulag, pilay, may sira ang mukha, at may kapansanan sa katawan, may bali sa paa o kamay, may depekto sa mata, may sakit sa balat, kuba, unano, o isang kapon. Sinumang may kapintasan sa lahi ni Aaron ay hindi maaaring maghandog kay Yahweh. Hindi nga siya maaaring maghain ng pagkaing handog dahil sa kanyang kapintasan. Maaari siyang kumain ng anumang handog sa Diyos, maging ito'y ganap na sagradong handog o sagradong handog, ngunit hindi siya maaaring lumapit sa altar dahil sa kanyang kapintasan. Kapag lumapit siya sa altar, iyon ay paglapastangan sa aking santuwaryo. Ako si Yahweh, ginawa kong banal ang mga iyon.” Gayon nga ang sinabi ni Moises kay Aaron, sa mga anak nito at sa buong Israel. Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak na dapat nilang igalang ang mga bagay na inilaan sa akin ng mga Israelita upang hindi malapastangan ang aking pangalan. Ako si Yahweh. Sabihin mong hindi na makakapaglingkod pang muli sa aking harapan ang sinuman sa kanyang lahi na lalapit doon nang marumi ayon sa tuntunin. May bisa ang tuntuning ito sa buong panahon ng inyong lahi. Ako si Yahweh. “Ang sinuman sa angkan ni Aaron na may sakit sa balat na parang ketong o kaya'y may tulo ay hindi dapat kumain ng anumang bagay na banal hanggang hindi siya gumagaling. Sinumang makahawak ng bagay na naging marumi dahil sa bangkay, o dahil sa lalaking nilabasan ng sariling binhi, sa mga hayop o taong itinuturing na marumi, ay ituturing na marumi hanggang kinagabihan. Hindi siya makakakain ng pagkaing banal hanggang hindi siya nakakapaligo. Paglubog ng araw, ituturing na siyang malinis, at makakakain na ng pagkaing banal na inilaan sa kanya. Ang mga pari ay hindi rin maaaring kumain ng karne ng hayop na namatay o pinatay ng kapwa hayop sapagkat iyon ang makapagpaparumi sa kanila. Ako si Yahweh. “Dapat sundin ng mga pari ang mga tuntuning ito; kung hindi, magkakasala sila at mamamatay. Ako si Yahweh; inilaan ko sila para sa akin. “Hindi makakakain ng anumang bagay na banal ang hindi ninyo kalahi. Hindi maaaring kumain nito ang mga nanunuluyan sa pari o bayarang manggagawa. Ngunit ang aliping binili niya, o ipinanganak sa kanyang tahanan ay maaaring kumain niyon. Hindi rin maaaring kumain nito ang babaing anak ng pari kung nag-asawa siya ng hindi pari. Ngunit kung siya'y mabalo o hiwalayan ng asawa nang walang anak at umuwi sa kanyang ama, makakakain na siya ng pagkain ng kanyang ama. Hindi dapat kumain ng pagkaing banal ang hindi kabilang sa pamilya ng pari. “Kung ang sinumang hindi pari ay makakain nito nang di sinasadya, babayaran niya at may patong pang ikalimang parte ng halaga ng kanyang kinain. Dapat ingatang mabuti ng mga pari ang mga banal na bagay na inihandog ng mga Israelita para kay Yahweh. Huwag nila itong ipapakain sa mga hindi kabilang sa kanilang angkan sapagkat kapag kumain sila nito, sila'y lumalabag sa tuntunin, at pananagutan nila iyon. Ako si Yahweh. Ginawa kong sagrado ang mga iyon.” Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron, sa kanyang mga anak, at sa lahat ng Israelita: Kung may Israelita o dayuhang magdadala ng handog na susunugin bilang pagtupad sa panata o kusang-loob na handog, ang dadalhin niya ay toro, lalaking tupa o kambing na walang kapintasan upang ito'y maging kalugud-lugod. Huwag kayong maghahandog ng anumang bagay na may kapintasan, sapagkat hindi iyon kalugud-lugod. Kailangan ding walang kapintasan ang baka, tupa o kambing na dadalhin bilang handog pangkapayapaan, ito man ay pagtupad sa panata o kusang-loob. Huwag kayong magdadala sa altar ng baka, tupa o kambing na bulag, pilay, may galis at kati o may anumang kapansanan bilang handog na susunugin. Ang alinmang toro o tupang tabingi ang katawan o bansot ay madadala bilang kusang-loob na handog ngunit hindi maihahandog bilang pagtupad sa panata. Huwag kayong maghahandog ng hayop na kinapon o may kapansanan ang itlog. Hindi ito dapat pahintulutan sa inyong lupain. “Huwag din kayong tatanggap mula sa mga dayuhan ng hayop upang ihandog kay Yahweh. Huwag ninyong tatanggapin ang mga iyon sapagkat ang mga ito'y may kapintasan.” Sinabi rin ni Yahweh kay Moises, “Ang bisirong baka, tupa o kambing ay dapat manatili nang pitong araw sa piling ng inahin. Mula sa ikawalong araw, maaari na itong ialay kay Yahweh bilang handog na susunugin. Huwag ninyong papatayin ang inahin sa araw na patayin ninyo ang bisiro. Ang paghahain ng handog ng pasasalamat ay gawin ninyo ayon sa tuntunin upang kayo'y maging kalugud-lugod. Kakainin ninyo ito sa araw ring iyon. Huwag kayong magtitira para sa kinabukasan. Ako si Yahweh. “Sundin ninyong mabuti ang mga tuntuning ibinigay ko sa inyo. Ako si Yahweh. Huwag ninyong lalapastanganin ang aking pangalan. Sa halip, ako'y inyong dakilain sapagkat ako si Yahweh. Inilaan ko kayo para sa akin. Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto upang maging inyong Diyos. Ako si Yahweh.” Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ipahayag mo sa mga Israelita ang mga pistang itinakda ko; ipangingilin nila ang mga banal na pagtitipong ito, at magkakaroon sila ng banal na pagpupulong. Anim na araw kayong magtatrabaho, ngunit sa ikapitong araw kayo'y magpapahinga. Iyon ay araw ng banal na pagtitipon. Huwag magtatrabaho ang sinuman sa inyo, saanman kayo naroroon; iyon ay Araw ng Pamamahinga para kay Yahweh. “Ito ang mga pistang itinakda ko: ang Pista ng Paskwa na gaganapin sa gabi ng ikalabing apat na araw ng unang buwan. Kinabukasan ay Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa; pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa. Sa unang araw, magkakaroon kayo ng banal na pagtitipon; huwag kayong magtatrabaho. Pitong araw kayong mag-aalay kay Yahweh ng handog na susunugin. Sa ikapitong araw, muli kayong magkakaroon ng banal na pagtitipon; huwag kayong magtatrabaho.” Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo rin sa mga Israelita na kapag naroon na sila sa lupaing ibibigay ko sa kanila, tuwing anihan ay magdadala sila sa pari ng isang bigkis ng una nilang ani. Ito'y iwawagayway niya sa harapan ni Yahweh upang kayo'y maging kalugud-lugod sa kanya. Gagawin ito kinabukasan ng Araw ng Pamamahinga. Sa araw na iyon, magdadala kayo ng isang lalaking korderong walang kapintasan at isang taon pa lang bilang handog na susunugin. Sasamahan ninyo ito ng isang salop ng harinang minasa sa langis ng olibo bilang handog na pagkaing butil, at isang litrong alak bilang handog na inumin. Ang halimuyak ng handog na ito ay magiging mabangong samyo kay Yahweh. Huwag kayong kakain ng tinapay o trigo, maging sinangag o sariwa, hanggang hindi ninyo nagagawa ang paghahandog na ito. Ito ay tuntuning susundin ninyo habang panahon. “Mula sa kinabukasan ng Araw ng Pamamahinga, araw ng pagdadala ninyo ng bigkis na ani, magpapalipas kayo ng pitong linggo; ang ikalimampung araw ay tatama sa kinabukasan ng Araw ng Pamamahinga. Sa araw na iyon, magdadala kayo ng handog na pagkaing butil: dalawang tinapay na may pampaalsa, isang salop ng harina ng bagong aning trigo ang gagamitin dito. Ito ang handog ninyo mula sa unang ani. Magdadala rin kayo ng pitong tupa na tig-iisang taóng gulang na walang kapintasan, isang toro at dalawang kambing. Ito'y susunuging kasama ng handog na pagkaing butil at handog na inumin upang ang usok nito'y maging mabangong samyo sa akin. Magdadala pa kayo ng isang kambing na lalaki bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan at dalawang kordero na tig-iisang taóng gulang bilang handog pangkapayapaan. Ang mga ito'y ihahandog ng pari, kasama ng dalawang kordero at dalawang tinapay na yari sa trigong bagong ani. Sa araw ring iyon, tatawag kayo ng isang banal na pagtitipon; isa ma'y walang magtatrabaho. Ang tuntuning ito ay susundin ninyo habang panahon. “Huwag ninyong aanihin ang nasa gilid ng triguhan at huwag din ninyong pupulutin ang inyong naiwang uhay. Ipaubaya na ninyo iyon sa mga mahihirap at sa mga dayuhan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.” Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na ang unang araw ng ikapitong buwan ay Araw ng Pamamahinga, araw ng inyong banal na pagtitipon. Ipapaalam ito sa pamamagitan ng tunog ng mga trumpeta. Sa araw na iyon, huwag kayong magtatrabaho; kayo'y magdadala kay Yahweh ng pagkaing handog.” Sinabi pa rin ni Yahweh kay Moises, “Ang ikasampung araw ng ikapitong buwan ay Araw ng Pagtubos sa Kasalanan. Sa araw na iyon ng inyong banal na pagtitipon, mag-ayuno kayo at mag-alay ng pagkaing handog. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon sapagkat iyon ay Araw ng Pagtubos sa Kasalanan. Ito'y isasagawa bilang pagtubos sa inyong pagkakasala sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos. Ang hindi mag-aayuno sa araw na iyon ay ititiwalag sa sambayanan ng Diyos. Pupuksain ko sa harapan ng madla ang sinumang magtrabaho, kaya huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon. Ito ay batas na dapat ninyong sundin sa habang panahon saanman kayo naroroon. Sa araw na iyon, kayo ay dapat magpahinga at huwag nga kayong magtatrabaho mula sa gabi ng ikasiyam na araw hanggang sa kinabukasan ng hapon. At mag-aayuno kayo sa mga araw na iyon.” Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo rin ito sa mga Israelita: Mula sa ikalabing limang araw ng ikapitong buwan, magsisimula ang Pista ng mga Tolda. Pitong araw ninyo itong ipagdiriwang. Sa unang araw, magkaroon kayo ng banal na pagtitipon, at huwag kayong magtatrabaho. Pitong araw kayong maghahandog kay Yahweh ng handog na pagkain. Sa ikawalong araw, muli kayong magtitipon upang sumamba at mag-aalay ng pagkaing handog. Iyon ay banal na pagtitipon, kaya huwag kayong magtatrabaho. “Iyan ang mga pistang itinakda ni Yahweh, mga araw ng inyong banal na pagtitipon. Sa mga araw na iyon, magdadala kayo ng handog na susunugin, handog na pagkaing butil, at handog na inumin ayon sa itinakda ng bawat araw. Bukod ito sa mga karaniwang Araw ng Pamamahinga, at ang mga handog na ito ay iba pa sa mga pang-araw-araw na handog kay Yahweh, at sa mga kusang handog ninyo, o mga handog na ginagawa ninyo bilang pagtupad ng panata. “Sa ikalabing limang araw ng ikapitong buwan, pagkatapos ng pag-aani, pitong araw pa kayong magpipista para kay Yahweh. Huwag kayong magtatrabaho sa una at ikawalong araw. Sa unang araw, pipitas kayo ng mabubuting bungangkahoy, mga sanga ng palmera at mayayabong na sanga ng kahoy sa tabing-ilog. Pitong araw kayong magdiriwang bilang parangal kay Yahweh na inyong Diyos. Ang pistang ito ay ipagdiriwang ninyo sa loob ng pitong araw tuwing ikapitong buwan taun-taon. Ito ay tuntuning susundin ninyo habang panahon. Sa buong panahon ng pistang ito, lahat ng Israelita ay sa tolda maninirahan upang malaman ng inyong mga anak na sa mga tolda tumira ang mga Israelita nang ilabas ko sila sa Egipto. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.” Gayon nga inihayag ni Moises sa mga Israelita ang mga kapistahan upang parangalan si Yahweh. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Iutos mo sa mga Israelita na magdala ng dalisay na langis ng olibo upang patuloy na magningas ang ilawan sa labas ng tabing, sa loob ng Toldang Tipanan. Ang mga ilaw na iyon ay sisindihan ni Aaron tuwing hapon at pananatilihing may sindi hanggang umaga. Ito ay tuntuning susundin ninyo habang panahon. Pangangalagaan niya ang mga ilaw na ito na nasa patungang ginto upang manatiling maningas sa harapan ni Yahweh. “Magluluto kayo ng labindalawang tinapay; isang salop ng mainam na harina ang gagamitin sa bawat isa. Ang mga ito ay ihahanay nang tig-aanim sa ibabaw ng mesang ginto. Bawat hanay ay lalagyan ng dalisay na insenso at pagkatapos ay susunugin bilang handog kay Yahweh. Tuwing Araw ng Pamamahinga, ang tinapay na ito ay ihahandog kay Yahweh. Ito'y gagawin ng bayang Israel sa habang panahon. Pagkatapos ihandog, ang mga tinapay na iyon ay ibibigay kay Aaron at sa kanyang mga anak. Kakainin nila iyon sa isang banal na lugar sapagkat iyon ay inilaan kay Yahweh. Ito ay tuntuning dapat sundin habang panahon.” Siya ay ipinakulong habang hinihintay ang pasya ni Yahweh. At sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ilabas ninyo sa kampo ang nagmura. Ipatong sa ulo niya ang kamay ng lahat ng nakarinig sa kanya, at pagkatapos ay batuhin siya hanggang mamatay. Sabihin mo sa bayang Israel na mananagot ang sinumang lumapastangan sa kanyang Diyos. Ang lumapastangan sa pangalan ni Yahweh, maging katutubong Israelita o dayuhan, ay babatuhin ng taong-bayan hanggang sa mamatay. “Ang sinumang pumatay ng kapwa ay papatayin din. Kung hayop naman ang pinatay niya, papalitan niya iyon; kapag buhay ang inutang buhay rin ang kabayaran. “Ang makapinsala sa kapwa ay pipinsalain din, tulad ng kanyang ginawa. Baling buto sa baling buto, mata sa mata, ngipin sa ngipin. Kung ano ang ginawa niya, gayundin ang gagawin sa kanya. Ang makapatay ng hayop ng kanyang kapwa ay kinakailangang magbabayad ng hayop din, ngunit ang pumatay ng kapwa tao ay dapat patayin din. Iisa ang batas na paiiralin sa mga katutubong Israelita at sa mga dayuhan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.” Nang masabi na ito ni Moises, inilabas nila sa kampo ang lumapastangan at binato hanggang mamatay. Sinunod ng mga Israelita ang mga utos ni Yahweh na ibinigay niya kay Moises. Sinabi pa ni Yahweh kay Moises nang sila'y nasa Bundok ng Sinai, “Sabihin mo sa mga Israelita na pagpasok nila sa lupaing ibinigay ko sa inyo, pati ang lupain ay pagpapahingahin tuwing ikapitong taon upang parangalan si Yahweh. Anim na taon ninyong tatamnan ang inyong bukirin at aalagaan ang mga ubasan. Ang ikapitong taon ay taon ng lubos na pamamahinga ng lupain, isang taóng nakatalaga para kay Yahweh. Huwag ninyong tatamnan sa taóng iyon ang inyong bukirin at huwag pipitasan ang mga punong ubas na hindi naalagaan. Ang lahat ng maaani roon ay para sa lahat: sa inyo, sa inyong mga alipin, sa mga bayarang manggagawa, sa mga dayuhan, sa inyong mga kawan at iba pang mga hayop. “Bibilang kayo ng pitong tigpipitong taon, bale apatnapu't siyam na taon. Pagkalipas nito, sa ikasampung araw ng ikapitong buwan na siyang Araw ng Pagtubos sa Kasalanan, hihipan nang malakas ang trumpeta sa buong lupain. Sa ganitong paraan, itatangi ninyo ang ikalimampung taon; ipahahayag ninyong malaya ang lahat sa buong lupain. Ito ay inyong Taon ng Paglaya; ang alipin ay babalik sa kanyang sariling tahanan at ang lupaing naipagbili ay isasauli sa dating may-ari. Sa buong taóng iyon, huwag kayong magtatanim sa inyong bukirin. Huwag din ninyong aanihin ang bunga ng mga punong ubas na hindi naalagaan. Sapagkat ito'y taon ng pagdiriwang at ito ay sagrado para sa inyo. Ang inyong kakainin ay ang mga halaman na kusang tumubo sa bukid. “Sa taóng iyon, ang lahat ng ari-ariang naipagbili ay isasauli sa dating may-ari. Kaya't kung magbebenta kayo o bibili sa inyong kapwa, huwag kayong mandaraya. Magbabayad kayo ayon sa dami ng taon mula sa huling taon ng paglaya, at magbebenta naman ayon sa dami ng taon ng pamumunga bago dumating ang kasunod na Taon ng Paglaya. Kung matagal pa, mataas ang halaga; kung iilang taon na lamang, mas mababa ang halaga sapagkat ang batayan ay ang dami ng maaani sa lupa. Huwag kayong magdadayaan; sa halip ay matakot kayo sa akin. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos. “Kaya iingatan ninyo ang mga tuntunin at inyong tutuparin ang aking mga utos, upang kayo'y manatiling matatag sa lupaing pupuntahan ninyo. Sa gayon, mag-aani kayo nang sagana; hindi kayo magugutom at magiging tiwasay ang pamumuhay ninyo sa lupaing iyon. Huwag kayong mag-alala sa kakainin ninyo sa ikapitong taon kung hindi kayo magtatanim. Pasasaganain ko ang inyong ani tuwing ikaanim na taon, at magiging sapat iyon para sa tatlong taon. Kayo'y magtatanim na sa ikawalong taon ngunit ang dati pa rin ninyong inani ang kakainin ninyo hanggang sa anihan ng ikasiyam na taon. “Hindi ninyo maipagbibili nang lubusan ang lupain sapagkat iyon ay akin; pinatitirhan ko lamang sa inyo iyon. Kaya, maipagbili man ang alinmang bahagi ng inyong lupain, iyon ay maaaring tubusin ng dating may-ari. “Kung sa inyo'y may maghirap at mapilitang magbenta ng kanyang ari-arian, iyon ay dapat tubusin agad ng pinakamalapit niyang kamag-anak. Kung wala siyang kamag-anak na makakatubos niyon, siya na rin ang tutubos kapag umunlad uli ang kanyang kabuhayan. Ibabalik niya sa bumili ang katumbas na halaga ng nalalabing taon bago dumating ang Taon ng Paglaya. Sa gayon, maibabalik sa kanya ang kanyang ari-arian. Ngunit kung wala pa siyang sapat na pantubos, mananatili iyon sa bumili hanggang sa Taon ng Paglaya, at sa taóng iyon, ang ari-arian niya'y ibabalik sa kanya nang walang bayad. “Kung may magbenta ng kanyang bahay na nasa loob ng lunsod na napapaderan, matutubos niya iyon sa loob ng isang taon. Kung hindi niya matubos iyon sa loob ng isang taon, ang bahay ay magiging lubos nang pag-aari ng nakabili kahit sumapit pa ang Taon ng Paglaya. Ang mga ipinagbiling bahay sa labas ng lunsod na napapaderan ay tulad ng lupang ipinagbili na maaaring matubos o kaya'y maisauli pagdating ng Taon ng Paglaya. Ngunit ang mga bahay sa mga lunsod ng mga Levita, na kanilang ipinagbili ay maaari nilang tubusin kahit kailan. Kung ayaw gamitin ng isang Levita ang karapatang ito, maibabalik iyon sa kanya pagdating ng Taon ng Paglaya kung ito'y nasa kanyang lunsod. Sapagkat ang mga gusaling tulad nito, ay lubos na pag-aari ng mga Levita, bilang kanilang bahagi sa bansang Israel. Ngunit ang mga pastulan sa palibot ng kanilang mga lunsod ay hindi maaaring ipagbili, sapagkat iyo'y pag-aari nila magpakailanman. “Kung ang isang kababayan ninyo ay naghirap at hindi na niya kayang buhayin ang sarili, kupkupin ninyo siya tulad ng isang dayuhang nakikipamayan sa inyo. Huwag ninyo siyang patutubuan kung siya'y mangutang sa inyo. Matakot kayo sa Diyos, at hayaan ninyo itong mabuhay na kasama ninyo. Huwag ninyong patutubuan ang pera o pagkaing inutang niya sa inyo. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos na nagpalaya sa inyo sa Egipto upang ibigay sa inyo ang Canaan at upang maging Diyos ninyo. “Kung dahil sa labis na kahirapan ay mapilitan ang isang Israelita na ipagbili sa inyo ang kanyang sarili, huwag ninyo siyang ituturing na alipin. Ituring ninyo siyang katulong o dayuhang upahan, at maglilingkod siya sa inyo hanggang sumapit ang Taon ng Paglaya. Pagdating ng panahong iyon, palalayain ninyo siya pati ang kanyang mga anak upang bumalik sa kanyang pamilya at ari-arian. Akong si Yahweh ang naglabas sa kanila sa Egipto; hindi sila dapat ipagbili upang maging alipin. Huwag ninyo silang pagmamalupitan; matakot kayo sa Diyos. Kung kailangan ninyo ng aliping lalaki o babae, doon kayo bumili sa mga bansa sa inyong paligid. Maaari ninyong bilhin bilang alipin ang mga anak ng mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. Maaari ninyo silang ipamigay sa inyong mga anak at maaari rin ninyo silang gawing alipin, ngunit huwag ninyong aalipinin o pagmamalupitan ang kapwa ninyo Israelita. “Kung dahil sa labis na kahirapan at mapilitan ang isang Israelita na ipagbili ang kanyang sarili sa isang dayuhang mayaman, siya ay may karapatang lumaya. Maaari siyang tubusin ng kanyang kapatid, amain, pinsan, kamag-anak o siya mismo kung kaya na niya. Ang halaga ng pagkabili sa kanya ay kukuwentahin mula nang bilhin siya hanggang sa Taon ng Paglaya, at ang itutubos sa kanya ay katumbas ng sweldo ng isang manggagawa. Kung matagal pa ang Taon ng Paglaya, malaki ang pagbabayaran ng tutubos. Ngunit maliit lamang kung malapit na ang panahong iyon, sapagkat ang itutubos sa kanya ay batay sa dami ng taon na dapat pa niyang ipaglingkod. Ituturing siyang bayarang manggagawa sa panahon ng kanyang paglilingkod ngunit hindi siya maaaring pagmalupitan. Kung hindi siya matubos sa mga paraang nabanggit, siya at ang mga anak niya ay palalayain pagsapit ng Taon ng Paglaya, sapagkat alipin ko ang mga Israelita, at ako ang nagpalaya sa kanila sa Egipto. Ako si Yahweh, ang Diyos ninyo. “Huwag kayong gagawa ng mga diyus-diyosan o magtatayo ng mga inukit na rebulto o sagradong haligi, o mga batong hinugisan upang sambahin sa inyong lupain. Ako si Yahweh, ang Diyos ninyo. Igalang ninyo ang Araw ng Pamamahinga at ang aking santuwaryo. Ako si Yahweh. “Kung susundin ninyo ang aking mga tuntunin at tutuparin ang aking mga utos, pauulanin ko sa tamang panahon at mamumunga nang sagana ang mga punongkahoy sa kaparangan. Kahit tapos na ang panahon ng pitasan ng prutas at panahon ng muling pagtatanim ay gumigiik pa kayo. Sasagana kayo sa pagkain at mamumuhay nang panatag. “Maghahari ang kapayapaan sa buong lupain at walang gagambala sa inyo. Palalayasin ko ang mababangis na hayop at wala nang dirigma sa inyo. Matatakot sa inyo ang inyong mga kaaway at malulupig ninyo sila sa labanan. Sapat na ang lima sa inyo upang talunin ang sandaang kaaway at ang sandaan para sa sampung libong kaaway. Malulupig ninyo ang inyong mga kalaban. Pagpapalain ko kayo; kayo'y uunlad at darami. Patuloy kong pagtitibayin ang ginawa kong kasunduan sa inyo. Ang inyong ani ay sobra-sobra at tatagal sa mahabang panahon. Sa katunayan, sa dami ng inyong aanihin ay ilalabas ninyo ang mga luma upang maimbak lamang ang mga bagong ani. Maninirahan ako sa kalagitnaan ninyo at hindi ko kayo pababayaan. Ako'y inyong kasama saanman kayo magpunta; ako ang magiging Diyos ninyo at kayo naman ang magiging bayan ko. Ako si Yahweh, ang Diyos ninyo, ang siyang naglabas sa inyo sa Egipto. Pinalaya ko na kayo kaya't wala na kayong dapat ikahiya kaninuman. “Ngunit kung hindi kayo makikinig sa akin at hindi tutuparin ang mga utos ko, kung tatanggihan ninyo ang aking mga tuntunin at kautusan, kaya't ayaw ninyong sundin ang mga ito at sisirain ninyo ang ginawa kong kasunduan sa inyo, padadalhan ko kayo ng mga sakuna. Makakaranas kayo ng matitinding sakit na magpapalabo ng inyong mata, at magpapahina ng inyong katawan. Hindi ninyo makakain ang pinagpagalan ninyo sapagkat ito'y kakainin ng inyong mga kaaway. Hindi ko kayo gagabayan at pababayaan ko kayong malupig. Hahayaan ko kayong sakupin ng mga taong napopoot sa inyo, at kakaripas kayo ng takbo kahit walang humahabol sa inyo. “Kung sa kabila nito'y hindi pa rin kayo makikinig, makapitong ibayo ang parusang igagawad ko sa inyo dahil sa inyong mga kasalanan. Paparusahan ko kayo dahil sa katigasan ng inyong ulo; hindi ko pauulanin ang langit at matitigang ang lupa. Mawawalan ng kabuluhan ang inyong pagpapagal sapagkat hindi maaanihan ang inyong lupain, at hindi mamumunga ang inyong mga bungangkahoy. “Kung patuloy kayong susuway at hindi makikinig sa akin, makapitong ibayo ang parusang igagawad ko sa inyo dahil sa inyong kasalanan. Pababayaan kong lapain ng mababangis na hayop ang inyong mga anak at mga alagang hayop. Kaunti lamang ang matitira sa inyo, at halos mawawalan na ng tao ang inyong mga lansangan. “Kung sa kabila nito'y magmamatigas pa rin kayo at patuloy na susuway sa akin, pitong ibayo pa ang parusang igagawad ko sa inyo dahil sa inyong kasalanan. Ipasasalakay ko kayo sa mga kaaway ninyo kaya't marami ang mapapatay sa inyo dahil sa inyong pagsira sa kasunduang ginawa ko sa inyo. Makapagtago man kayo sa mga kuta, padadalhan ko kayo roon ng salot, kaya babagsak din kayo sa kamay ng inyong kaaway. Kukulangin kayo sa pagkain kaya't iisang kalan ang paglulutuan ng sampung babae. Tatakalin ang inyong pagkain kaya't hindi kayo mabubusog. “At kung sa kabila nito'y di pa rin kayo magbabago at patuloy pa ring sumuway sa akin, magsisiklab na ang aking galit sa inyo, at ako na mismo ang magpaparusa sa inyo ng makapitong ibayo dahil sa inyong mga kasalanan. Sa tindi ng gutom ay kakainin ninyo pati ang inyong mga anak. Wawasakin ko ang inyong mga altar sa burol at ang altar na sunugan ng insenso. Itatakwil ko kayo at itatambak ang inyong mga bangkay sa ibabaw ng inyong mga diyus-diyosan. Wawasakin ko ang inyong mga lunsod, at iiwanan kong tiwangwang ang mga santuwaryo at hindi ko tatanggapin ang mga handog ninyo. Sasalantain ko ang inyong mga lupain at magtataka ang mga kaaway ninyong sasakop niyon. Uusigin ko kayo ng tabak at magkakawatak-watak kayo sa iba't ibang lupain. Maiiwang nakatiwangwang ang inyong lupain at iguguho ang inyong mga lunsod. Sa gayon, mamamahinga nang mahabang panahon ang inyong lupain samantalang kayo'y bihag sa ibang bansa. Makakapagpahinga ang inyong lupain, hindi tulad nang kayo'y naroon. “Ang mga maiiwan doon ay paghaharian ng matinding takot kaya't may malaglag lamang na dahon ng kahoy ay magkakandarapa na sila sa pagtakbo na parang hinahabol ng tagâ kahit wala naman. Magkakadaganan sila sa pagtakbo na parang hinahabol ng tagâ, gayong wala namang humahabol. Hindi ninyo maipagtatanggol ang inyong sarili sa mga kaaway. Mamamatay kayo sa lupain ng inyong mga kaaway. Ang malalabi naman ay mamamatay sa hirap dahil sa kasalanan ninyo at ng inyong mga ninuno. “Subalit kung pagsisihan nila ang kanilang mga kasalanan at ang mga kasalanan ng kanilang ninuno, at tanggapin na naghimagsik sila laban sa akin, at iyon ang dahilan kung bakit sila'y aking pinabayaan; kung sila'y magpakumbabá at pagsisihan ang kanilang mga kasalanan, aalalahanin ko ang aking kasunduan kay Jacob, kay Isaac, at kay Abraham. At aalalahanin kong muli ang aking pangako patungkol sa lupang pangako. Subalit paaalisin ko muna sila roon. Sa gayon, makakapagpahinga nang lubusan ang lupain at madarama naman nila ang bagsik ng parusang ipapataw ko dahil sa pagsuway nila sa aking mga tuntunin at kautusan. Gayunman, hindi ko sila lubos na pababayaan sa lupain ng kanilang mga kaaway, baka kung puksain ko'y mawalan ng kabuluhan ang kasunduang ginawa ko sa kanila. Ako si Yahweh na kanilang Diyos. Aalalahanin ko sila alang-alang sa aking kasunduan sa kanilang mga ninunong inilabas ko mula sa Egipto. Nasaksihan ng mga bansa ang ginawa kong ito upang ako'y maging Diyos nila. Ako si Yahweh.” Ito ang mga tuntunin at mga utos ni Yahweh na ibinigay sa mga Israelita sa Bundok ng Sinai sa pamamagitan ni Moises. Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita: Kung may mamanata kay Yahweh na maghandog ng tao, iyon ay tutubusin nang ganito: Kung anak na lalaki, mula sa dalawampu hanggang animnapung taóng gulang, ito ay susuriin upang palitan o tubusin sa halagang limampung pirasong pilak ayon sa timbangan sa santuwaryo at tatlumpung pirasong pilak naman kung babae. Mula sa lima hanggang dalawampung taon, dalawampung pirasong pilak kung lalaki at sampung pirasong pilak naman kung babae. Kapag isang buwan hanggang limang taon, limang pirasong pilak kung lalaki at tatlong pirasong pilak naman kung babae. Kung mahigit nang animnapung taon, labinlimang pirasong pilak kung lalaki at sampung pirasong pilak naman kung babae. “Kung walang maitutubos dahil sa kahirapan, ang taong iyo'y ihaharap sa pari at siya ang magpapasya kung magkano ang itutubos ayon sa kakayahan ng may panata. “Kung ang panatang handog ay hayop, dapat itong ilaan kay Yahweh. Hindi ito maaaring palitan. Kapag pilit na pinalitan, ang papalitan at ipapalit ay parehong ilalaan kay Yahweh. Kung ang ipinangakong hayop ay hindi karapat-dapat ihandog kay Yahweh, dadalhin iyon sa pari. Hahalagahan niya ito, anuman ang uri ng hayop at hindi matatawaran ang halagang ipinasya ng pari. Kung tutubusin ang hayop, magdaragdag kayo ng halaga ng ikalimang bahagi ng halaga ng hayop. “Kung bahay naman ang ipinangako, hahalagahan ito ng pari ayon sa uri at kayarian, at ang kanyang itinakdang halaga ay hindi matatawaran. Kung ang bahay ay gustong tubusin ng naghandog, babayaran niya ito na may dagdag na ikalimang bahagi ng halaga niyon, at mababalik sa kanya ang bahay. “Kung isang bahagi ng lupang minana ang ipinangako, ang itutubos ay batay sa dami ng maaani doon: limampung pirasong pilak sa bawat malaking sisidlan ng sebada. Kung ang paghahandog ay ginawa sa simula ng Taon ng Paglaya, babayaran ito nang buo upang matubos. Ngunit kung ito'y ginawa matapos ang Taon ng Paglaya, ang itutubos ay ibabatay sa dami ng taon bago dumating ang susunod na pagdiriwang; babawasin ang halaga ng nakalipas na taon. Kung ang lupa ay nais tubusin ng naghandog, babayaran niya ang takdang halaga maliban pa sa dagdag na ikalimang bahagi ng halagang iyon. Kung hindi pa niya ito natutubos at ipinagbili sa iba, kailanma'y hindi na niya matutubos iyon. Pagdating ng Taon ng Paglaya, ituturing na nakalaan kay Yahweh ang lupaing iyon at ito'y ibibigay sa pangangalaga ng mga pari. “Kung ang ipinangako naman ay ang lupang binili at hindi minana, hahalagahan iyon ng pari ayon sa dami ng taon bago dumating ang Taon ng Paglaya. Sa araw ring iyon, ibibigay ng nangako ang pantubos bilang handog kay Yahweh. Pagdating ng Taon ng Paglaya, mababalik ang lupang ito sa dating may-ari o sa kanyang tagapagmana. Ang halaga ng pantubos ay batay sa timbangan ng santuwaryo. Bawat pirasong pilak ay katumbas ng labindalawang gramo. “Hindi maaaring maipanata kay Yahweh ang panganay na hayop, maging baka o tupa sapagkat iyon ay sadyang para kay Yahweh. Ngunit kung iyon ay hayop na hindi karapat-dapat ihandog kay Yahweh, tutubusin ito ng may-ari sa takdang halaga maliban pa sa dagdag na ikalimang bahagi ng halaga niyon. Kung hindi matubos, ipagbibili ito sa takdang halaga. “Lahat ng lubos na naialay kay Yahweh, maging tao, hayop, o minanang lupa, ay hindi na maaaring tubusin o ipagbili sapagkat iyon ay ganap na sagrado sa kanya. Hindi na maaaring tubusin ang mga taong lubos na naialay kay Yahweh. Kailangan silang patayin. “Lahat ng ikasampung bahagi, maging binhi o bunga ng pananim ay nakalaan kay Yahweh. Kung may nais tumubos sa alinman sa kanyang ikasampung bahagi, babayaran niya ito ayon sa itinakdang halaga nito maliban pa sa dagdag na ikalimang bahagi ng halagang iyon. Isa sa bawat sampung alagang hayop ay nakalaan para kay Yahweh. Ang bawat ikasampung tupa o baka na mabibilang ay para kay Yahweh. Hindi iyon dapat suriin ng may-ari kung masama o hindi. Hindi rin iyon maaaring palitan, at kung ito'y mapalitan man, ang ipinalit at pinalitan ay parehong ilalaan kay Yahweh; hindi na matutubos ang mga ito.” Ito ang mga tuntunin na ibinigay ni Yahweh kay Moises sa Bundok ng Sinai para sa sambayanang Israel. Noong unang araw ng ikalawang buwan matapos umalis sa Egipto ang sambayanang Israel, si Yahweh ay nangusap kay Moises habang siya'y nasa loob ng Toldang Tipanan na noo'y nasa ilang ng Sinai. Ang sabi ni Yahweh, “Magsagawa ka ng isang sensus. Bilangin at ilista ninyo ang pangalan ng buong sambayanan ng Israel ayon sa kani-kanilang angkan at lipi. Ilista ninyo ang lahat ng lalaki mula sa gulang na dalawampu pataas, lahat ng maaari nang lumaban sa digmaan. Magpatulong ka kay Aaron at sa pinuno ng bawat angkan.” Ang mga taong nabanggit ay isinama nina Moises at Aaron, at noong unang araw ng ikalawang buwan, tinipon nila ang lahat ng Israelita. Itinala nila ang lahat ng lalaki mula sa gulang na dalawampu pataas, ayon sa kani-kanilang lipi. Ginawa nila ito sa ilang ng Sinai, ayon sa utos ni Yahweh. Ang kabuuang bilang ay 603,550. Ang mga Levita ay hindi kabilang sa sensus na ito sapagkat ganito ang bilin ni Yahweh kay Moises: “Huwag mong isasama sa sensus ng Israel ang mga Levita. Sa kanila mo ibibigay ang tungkulin ng paglilingkod sa Toldang Tipanan. Itatayo nila ang kanilang mga tolda sa paligid ng Toldang Tipanan at sila ang bubuhat nito pati ang mga kasangkapan nito. Kung kailangang tanggalin ang tabernakulo, sila ang magtatanggal at kung kailangang itayong muli, sila rin ang magtatayo. At sinumang lumapit sa tabernakulo liban sa kanila ay dapat patayin. Ang mga lipi ng Israel ay magtatayo ng kanya-kanyang tolda sa ilalim ng kani-kanilang watawat. Ang mga Levita naman ay magtatayo ng kanilang mga tolda sa paligid ng Toldang Tipanan para walang ibang makalapit dito, sapagkat kapag may ibang lumapit dito, tiyak na paparusahan ko ang buong Israel. Ang mga Levita nga ang mangangalaga sa Toldang Tipanan.” Ang lahat ng mga utos na ito ni Yahweh ay sinunod ng mga Israelita. Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron: Ang mga Israelita'y magtatayo ng kanilang tolda sa paligid ng Toldang Tipanan sa labas ng hanay ng mga Levita, at bawat angkan ay sama-sama sa ilalim ng kanilang watawat. Ang kabuuan ng pangkat na ito ay 186,400. Sila ang mauuna sa bawat paglakad. Ang kabuuan ng pangkat na ito ay 151,450. Ang pangkat na ito ang susunod sa pangkat na pangungunahan ng lipi ni Juda. Maging sa paglilipat ng Toldang Tipanan, ang pangkat ng mga Levita ay mananatili sa gitna ng ibang mga pangkat. Sa pagpapatuloy ng paglalakbay, mananatili ang bawat pangkat sa dating ayos sa ilalim ng kani-kanilang watawat. Ang kabuuan ng pangkat na ito ay 108,100. Sila ang pangatlo sa hanay. Ang pangkat na ito ay umaabot sa 157,600. Sila ang kahuli-hulihan sa hanay ng mga kawal. Iyon ang bilang ng mga Israelita ayon sa kani-kanilang lipi. Lahat-lahat ay umabot sa 603,550. Hindi kabilang dito ang mga Levita tulad ng ipinagbilin ni Yahweh kay Moises na huwag isasama sa sensus ang mga ito. Ang lahat ay ginawa ng mga Israelita ayon sa utos ni Yahweh. Nagtayo sila ng tolda sa ilalim ng kani-kanilang watawat, at pangkat-pangkat na nagpatuloy sa paglalakbay. Ito ang salinlahi nina Aaron at Moises nang kausapin siya ni Yahweh sa Bundok ng Sinai. Ang mga anak ni Aaron ay si Nadab na siyang panganay at sina Abihu, Eleazar at Itamar. Sila ang mga itinalagang pari na magsisilbi sa Toldang Tipanan. Ngunit sina Nadab at Abihu ay namatay sa harap ng altar sa Bundok ng Sinai nang magsunog sila ng handog kay Yahweh sa pamamagitan ng apoy na hindi itinalaga para roon. Wala silang anak kaya sina Eleazar at Itamar ang naglingkod bilang pari habang nabubuhay ang kanilang ama. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Tipunin mo ang lipi ni Levi at italaga mo sila bilang katulong ni Aaron. Tutulungan nila si Aaron sa mga gawain sa Toldang Tipanan at ang mga mamamayan sa kanilang paghahandog. Sila ang mangangasiwa sa mga kagamitan sa loob ng Toldang Tipanan at sila rin ang tutulong sa mga Israelita sa kanilang pagsamba. Ang tanging tungkulin ng mga Levita ay ang tumulong kay Aaron at sa kanyang mga anak sa gawain nila sa Toldang Tipanan. Si Aaron naman at ang kanyang mga anak na lalaki ay itatalaga mo bilang pari at sila lamang ang gaganap ng mga gawaing kaugnay nito. Sinumang hindi mula sa lipi ni Aaron na gumanap ng tungkulin ng pari ay dapat patayin.” Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pinili ko ang mga Levita bilang kapalit ng mga panganay na lalaki, kaya sila'y para sa akin. Akin ang lahat ng panganay sapagkat nang lipulin ko ang lahat ng panganay ng Egipto, ibinukod ko para sa akin ang lahat ng panganay, maging tao o hayop. Kaya, sila ay akin, ako si Yahweh.” Sinabi noon ni Yahweh kay Moises sa ilang ng Sinai, “Lahat ng lalaki sa lipi ni Levi, mula sa gulang na isang buwan pataas ay ilista mo ayon sa kani-kanilang angkan at sambahayan.” Kaya, ang lipi ni Levi ay inilista ni Moises ayon sa utos sa kanya ni Yahweh. Ito ang mga anak ni Levi: sina Gershon, Kohat at Merari. Ang mga anak naman ni Gershon ay sina Libni at Simei. Ang mga anak ni Kohat ay sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. Ang mga anak naman ni Merari ay sina Mahali at Musi. Ito ang talaan ng lipi ni Levi ayon sa kani-kanilang angkan. Ang angkan ni Gershon na binubuo ng mga sambahayan nina Libni at Simei ay umabot sa 7,500 ang may edad na isang buwan pataas. Nagkampo sila sa gawing kanluran, sa likod ng tabernakulo, at ang pinuno nila ay si Eliasaf na anak ni Lael. Sila ang mangangasiwa sa kaayusan ng Toldang Tipanan, sa bubong at sa tali nito, sa mga kurtina sa pinto at sa bulwagan sa paligid, at ng altar. Ang angkan ni Kohat ay binubuo ng mga sambahayan nina Amram, Izar, Hebron at Uziel, at umabot sa 8,600 ang mga kalalakihang isang buwan pataas ang edad. Sila ay sa gawing timog ng tabernakulo pinagkampo at pinamunuan ni Elizafan na anak ni Uziel. Sila naman ang mangangalaga sa Kaban ng Tipan, sa mesang lalagyan ng handog, sa ilawan, sa mga altar, sa kagamitan ng mga pari at sa mga tabing. Si Eleazar na anak ni Aaron ang magiging pinuno ng mga Levita at mamamahala sa mga katulong sa paglilingkod sa santuwaryo. Ang angkan ni Merari ay binubuo ng mga sambahayan nina Mahali at Musi, at umabot sa 6,200 ang kalalakihang may edad na isang buwan pataas. Ang pinuno nila ay si Zuriel na anak ni Abihail, at ang pinagkampuhan nila ay ang gawing hilaga ng tabernakulo. Sila ang pinamahala sa mga gamit sa tabernakulo tulad ng mga haliging patayo at pahalang, poste, patungan ng mga poste at lahat ng kawit na gamit dito. Sila rin ang pinamahala sa mga poste, sa patungan ng mga poste, sa mga tulos at mga panali sa bulwagan sa labas. Magkakampo naman sa gawing silangan ng tabernakulo, sa harap ng Toldang Tipanan, sina Moises at Aaron at ang mga anak nito. Ang tungkulin nila ay sa loob ng santuwaryo; gawin ang anumang kailangang gawin para sa Israel o paglilingkod para sa mga Israelita. Sinumang lumapit sa Dakong Banal liban sa kanila ay dapat patayin. Ang kabuuang bilang ng mga Levita na naitala nina Moises at Aaron ayon sa utos ni Yahweh ay 22,000. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bilangin at ilista mo ang pangalan ng mga panganay na lalaki sa buong Israel, mula sa edad na isang buwan pataas. Ibubukod mo ang mga Levita para sa akin, bilang kapalit ng mga panganay na lalaki ng buong sambayanan. Ibubukod mo rin ang mga alagang hayop ng mga Levita bilang kapalit ng panganay ng mga hayop ng buong sambayanan.” At itinala nga ni Moises ang lahat ng panganay na lalaki sa Israel ayon sa utos sa kanya ni Yahweh. Ang naitala niya'y umabot sa 22,273. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ilaan mo sa akin ang mga Levita bilang kapalit ng mga panganay na lalaki ng Israel, at ang alagang hayop ng mga Levita bilang kapalit ng mga panganay ng mga hayop ng mga Israelita. Ang mga Levita ay para sa akin. Sapagkat mas marami ng 273 ang panganay ng mga Israelita kaysa mga lalaking Levita, ipatutubos mo ng limang pirasong pilak bawat isa, ayon sa opisyal na timbangan ng santuwaryo (ang isang pirasong pilak ay katumbas ng labindalawang gramo). Lahat ng salaping malilikom ay ibibigay mo kay Aaron at sa kanyang mga anak.” Kinuha nga ni Moises ang pantubos sa mga panganay ng mga Israelita na humigit sa bilang ng mga Levita. Ang kabuuang nalikom ay umabot sa 1,365 pirasong pilak. Ang lahat ng ito'y ibinigay ni Moises kay Aaron at sa mga anak nito bilang pagsunod sa utos ni Yahweh. Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Bilangin at ilista ninyo ang angkan ni Kohat ayon sa kani-kanilang angkan at sambahayan. Ibukod ninyo ang lahat ng maaari nang maglingkod sa Toldang Tipanan, ang mga lalaking may edad na tatlumpu hanggang limampung taon. Sila ang maglilingkod sa mga bagay na ganap na sagrado sa loob ng Toldang Tipanan. “Kung aalis na ang mga Israelita sa lugar na kanilang pinagkakampuhan, si Aaron at ang kanyang mga anak ang magtatanggal sa mga tabing ng Toldang Tipanan at ibabalot ito sa Kaban ng Tipan. Pagkatapos, papatungan ito ng balat ng kambing, at babalutin ng telang asul saka isusuot ang mga pasanan sa mga argolya nito. “Ang mesang lalagyan ng handog na tinapay ay lalatagan naman ng asul na tela, saka ipapatong sa ibabaw nito ang mga plato, mga lalagyan ng insenso, mga mangkok at mga pitsel. Hindi na aalisin ang tinapay na handog na naroroon. Pagkatapos, tatakpan ang lahat ng ito ng pulang tela at ng balat ng kambing, saka isusuot sa mga argolya ang mga pasanan. “Ang ilawan pati ang mga ilaw, pang-ipit, sisidlan ng abo at ang mga sisidlan ng langis ay babalutin din ng telang asul at ng balat ng kambing, kasama ang lahat ng kagamitan at saka ilalagay sa sisidlan. “Ang altar na ginto ay tatakpan din ng asul na tela, at babalutin ng balat ng kambing saka isusuot sa mga argolya ang mga pasanan nito. Ang iba pang kagamitan sa Toldang Tipanan ay babalutin ng telang asul saka tatakpan ng balat ng kambing, at ilalagay sa sisidlan. Ang abo sa altar ay aalisin bago ito takpan ng damit na pula. Pagkatapos, ipapatong dito ang mga kagamitan sa altar tulad ng mga kawali, panusok, pala at palanggana. Tatakpan ito ng balat ng kambing saka isusuot sa argolya ang mga pasanan nito. Kapag ang Toldang Tipanan at ang lahat ng kagamitan dito'y naibalot na nina Aaron at ng kanyang mga anak, ang lahat ng ito'y dadalhin ng mga anak ni Kohat. Ngunit huwag nilang hahawakan ang mga sagradong bagay sapagkat mamamatay ang sinumang humawak sa mga sagradong kagamitang ito. “Ito ang mga tungkulin ng mga anak ni Kohat tuwing ililipat ang Toldang Tipanan. “Si Eleazar na anak ni Aaron ang mangangalaga sa langis para sa ilawan, sa insenso, sa karaniwang handog na pagkaing butil at sa langis na pantalaga. Siya rin ang mamamahala sa buong Toldang Tipanan at sa lahat ng kagamitan dito.” Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Huwag ninyong pababayaang mapahamak ang sambahayan ni Kohat sa paglapit nila sa mga ganap na sagradong kasangkapan. Para hindi sila mamatay, ituturo sa kanila ni Aaron at ng mga anak nito kung ano ang dapat nilang dalhin at kung ano ang dapat nilang gawin. Ngunit huwag na huwag silang papasok upang tingnan kahit sandali lang ang mga sagradong bagay doon sapagkat tiyak na mamamatay sila sa sandaling gawin nila iyon.” Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Bilangin at ilista mo rin ang mga anak ni Gershon ayon sa kani-kanilang angkan at sambahayan, at ilista mo ang lahat ng lalaking maaaring maglingkod sa Toldang Tipanan, mula sa edad na tatlumpu hanggang limampu. Ito ang tungkuling ibibigay mo sa kanila: Dadalhin nila ang mga balat na asul at ang balat na yari sa balahibo ng kambing, at mga mainam na balat na itinatakip sa Toldang Tipanan, at ang tabing sa pintuan nito; ang mga tali at balat na nakatabing sa bulwagan sa paligid ng tabernakulo at ng altar, ang tabing sa pasukan ng bulwagan, at ang lahat ng kagamitang kasama nito. Sila rin ang gaganap ng lahat ng gawaing kaugnay ng mga bagay na ito. Ang lahat ng gagawin ng sambahayan ni Gershon ay pamamahalaan ni Aaron at ng kanyang mga anak. Ikaw ang magtatakda ng dapat nilang gawin. Ito ang magiging gawain ng mga anak ni Gershon sa pangangasiwa ni Itamar na anak ni Aaron. “Bilangin at ilista mo rin ang mga anak ni Merari ayon sa kani-kanilang angkan at sambahayan, at ilista mo ang mga lalaking maaari nang maglingkod sa Toldang Tipanan, ang mga may edad mula sa tatlumpu hanggang limampung taon. Ito naman ang dadalhin nila bilang paglilingkod sa Toldang Tipanan: ang mga haliging pahalang at patayo, mga patungan ng haligi, ang mga haligi ng tabing sa paligid ng bulwagan, pati mga patungan niyon, mga tulos, mga tali at ang lahat ng kagamitang kasama ng mga ito. Sasabihin mo sa kanila kung anu-ano ang kanilang dadalhin. Ito ang tungkulin ng mga anak ni Merari patungkol sa Toldang Tipanan. Gagawin nila ito sa pangangasiwa ni Itamar.” Ang mga anak ni Kohat ay inilista nga nina Moises at Aaron sa tulong ng mga pinuno ng Israel. Ang nailista nila na makakapaglingkod sa Toldang Tipanan, mula sa tatlumpu hanggang limampung taon, ayon sa kani-kanilang sambahayan ay umabot sa 2,750. Ito ang bilang ng mga anak ni Kohat na naitala nina Moises at Aaron bilang pagsunod sa utos ni Yahweh. Ang mga ito ay tumulong sa paglilingkod sa Toldang Tipanan. Ito ang bilang ng mga anak ni Gershon na naitala nina Moises at Aaron bilang pagsunod sa utos ni Yahweh. Ang mga ito ay tumulong sa paglilingkod sa Toldang Tipanan. Ito ang bilang ng mga anak ni Merari na nailista nina Moises at Aaron ayon sa kani-kanilang sambahayan, bilang pagsunod sa utos ni Yahweh. Inilista nga nina Moises at Aaron sa tulong ng mga pinuno ng Israel ang lahat ng Levitang makatutulong sa mga gawain sa Toldang Tipanan, samakatuwid ay may edad na tatlumpu hanggang limampung taon. Ang kabuuang bilang nila'y umabot sa 8,580. Ginawa ito ni Moises ayon sa utos ni Yahweh at sila'y inatasan niya ng kani-kanilang gawain. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Paalisin mo sa kampo ng Israel ang lahat ng may sakit sa balat na parang ketong, ang mga may tulo at ang lahat ng naging marumi dahil napahawak sila sa patay. Wala kayong itatangi maging lalaki o babae. Lahat ng mga ito ay palalabasin upang hindi maging marumi ang kanilang kampo. Ako'y naninirahang kasama ng aking bayan.” Tulad ng utos ni Yahweh kay Moises, lahat ng may sakit sa balat na parang ketong, may tulo, at naging marumi dahil sa pagkahawak sa patay ay pinalabas nila sa kampo. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Sinumang magtaksil kay Yahweh at makagawa ng masama sa kanyang kapwa ay dapat umamin sa kasalanang kanyang nagawa, pagbabayaran niya ito nang buo maliban pa sa dagdagnaikalimang bahagi nito. Ito'y ibibigay niya sa ginawan niya ng masama o sa pinakamalapit na kamag-anak nito. Kung wala itong malapit na kamag-anak, ang halagang ibabayad ay mapupunta kay Yahweh at ibibigay sa mga pari, bukod sa tupang ibibigay ng nagkasala upang ihandog bilang pantubos sa kanyang kasalanan. Lahat ng natatanging handog ng mga Israelita para kay Yahweh ay mauuwi sa paring tumanggap niyon. Kukunin ng bawat pari ang handog na ibinigay sa kanya.” Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ito ang sabihin mo sa mga Israelita: Kung ang isang babae'y nagtaksil sa asawa, nakipagtalik sa ibang lalaki ngunit walang katibayang maipakita laban sa kanya sapagkat hindi siya nahuli sa akto, o kaya nama'y ang asawang lalaki'y naghihinala sa kanyang asawa kahit wala itong ginagawang masama, ang babae ay dadalhin ng lalaki sa pari. Ang lalaki'y maghahandog ng kalahating salop ng harinang sebada. Ang handog na ito'y hindi bubuhusan ng langis ni sasamahan ng insenso sapagkat ito'y handog tungkol sa pagseselos, handog upang hilinging lumabas ang katotohanan. “Ang babae ay dadalhin ng pari sa harap ng altar. Ang pari ay maglalagay ng sagradong tubig sa isang tapayan at hahaluan ng kaunting alikabok mula sa sahig ng tabernakulo. Pagkatapos, ilulugay ang buhok ng babae at pahahawakan sa kanya ang handog na harina. Samantala, ang mangkok na naglalaman ng mapait na tubig na magpapalitaw sa katotohanan ay hawak naman ng pari. Ang babae'y panunumpain ng pari. Sasabihin niya, ‘Kung hindi ka nagtaksil sa iyong asawa, hindi tatalab sa iyo ang sumpang taglay ng tubig na ito. Ngunit kung nagtaksil ka sa iyong asawa, paparusahan ka ni Yahweh upang maging halimbawa sa iyong mga kababayan: Patutuyuin ni Yahweh ang iyong bahay-bata at pamamagain ang iyong tiyan. Tumagos nawa ang tubig na ito sa kaloob-looban ng iyong tiyan, pamagain ito at patuyuin ang iyong bahay-bata.’ “Ang babae'y sasagot ng ‘Amen. Ako'y sumasang-ayon.’ “Ang mga sumpang ito ay isusulat ng pari sa isang sulatan, huhugasan ito sa mapait na tubig, at ipapainom sa babae ang pinaghugasan. Ito'y magdudulot ng matinding sakit sa babae. Pagkatapos, ang handog na harinanghawakpa ng babae ay kukunin ng pari, iaalay kay Yahweh at ilalagay sa altar. Ang pari ay kukuha ng isang dakot na harina mula sa handog at susunugin ito sa altar. Pagkatapos, ipapainom sa babae ang mapait na tubig. Kung nagtaksil nga siya sa kanyang asawa, makakaramdam siya ng matinding sakit, matutuyo ang kanyang balakang at mamamaga ang kanyang tiyan. Sa ganitong paraan, hindi siya pamamarisan ng kanyang mga kababayan. Ngunit kung hindi siya nagtaksil, hindi tatalab sa kanya ang sumpa at maaari pa siyang magkaanak. “Ito ang tuntunin tungkol sa babaing nagtaksil sa asawa, o kaya, kung naghihinala ang lalaki sa katapatan ng kanyang asawa: ang babae'y ihaharap sa altar, at isasagawa naman ng pari ang lahat ng dapat gawin ayon sa Kautusan. Ang asawang lalaki ay hindi madadamay sa kasalanan ng babae, kundi ang babae lamang, kung talagang nagkasala, ang magdurusa sa ginawa niyang masama.” Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa bayang Israel: Kung ang sinuman, babae o lalaki, ay gagawa ng panata at ilalaan niya ang sarili kay Yahweh bilang Nazareo, huwag siyang iinom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Huwag din siyang iinom ng anumang inuming galing sa katas ng ubas, at huwag kakain ng ubas, o pasas. Sa buong panahon ng kanyang panata ay huwag din siyang titikim ng anumang galing sa punong ubas kahit balat o buto ng ubas. “Ang isang may panata ay huwag magpaputol ng buhok sa buong panahon ng kanyang panata; hahayaan niya itong humaba. Siya'y nakalaan para kay Yahweh. Sa buong panahon na inilaan niya ang kanyang sarili kay Yahweh ay hindi siya dapat lumapit sa patay, kahit ito'y kanyang ama, ina o kapatid. Hindi siya dapat gumawa ng anumang makapagpaparumi ayon sa Kautusan, sapagkat ipinapakita ng kanyang buhok na siya'y isang Nazareo. Pananatilihin niyang malinis ang kanyang sarili sa buong panahon ng kanyang panata. “Kung may biglang mamatay sa kanyang tabi at mahawakan niya ito, pagkalipas ng pitong araw ay aahitin niya ang kanyang buhok sapagkat nadungisan siya ayon sa Kautusan. Sa ikawalong araw, magbibigay siya sa pari ng dalawang inakay ng kalapati o batu-bato sa pintuan ng Toldang Tipanan. Ang isa nito ay handog ukol sa kasalanan at ang isa'y handog na susunugin, bilang katubusan sa naging kasalanan niya sa pagkakahawak sa bangkay. Sa araw ring iyon, muli niyang ilalaan sa Diyos ang kanyang buhok. Ito ang pasimula na siya'y muling inilaan kay Yahweh bilang Nazareo. Ang mga araw na nagdaan sa panahon ng panatang iyon ay hindi ibibilang sapagkat nadungisan siya nang makahawak sa patay at mag-aalay siya ng isang kordero na isang taóng gulang bilang handog na pambayad sa kasalanan. “Ito naman ang gagawin pagkatapos ng kanyang panata bilang Nazareo. Haharap siya sa pintuan ng Toldang Tipanan at maghahandog ng tatlong tupa: isang lalaking tupa na isang taóng gulang at walang kapintasan bilang handog na susunugin; isang babaing tupa na isa ring taóng gulang at walang kapintasan bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan; at isang barakong tupa na walang kapintasan bilang handog na pangkapayapaan. Bukod dito, maghahandog siya ng isang basket na tinapay na walang pampaalsa at hinaluan ng langis, at manipis na tinapay na wala ring pampaalsa at may pahid na langis. Magdadala rin siya ng mga handog na pagkaing butil at inumin. “Ang lahat ng ito'y dadalhin naman ng pari sa harapan ni Yahweh at iaalay ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan at handog na susunugin. Ang handog pangkapayapaan ay ihahandog niyang kasama ng basket ng tinapay na walang pampaalsa, saka isusunod ang handog na pagkaing butil at inumin. Pagkatapos, aahitin ng Nazareo ang kanyang buhok at susunugin sa apoy na pinagsusunugan ng handog pangkapayapaan. “Kukunin naman ng pari ang nilagang balikat ng handog pangkapayapaan, sasamahan ng isang tinapay na walang pampaalsa at isang manipis na tinapay at ilalagay sa kamay ng Nazareo. Kukunin niyang muli ang mga ito at iaalay kay Yahweh. Mapupunta ang mga ito sa pari, pati ang pitso at ang hita ng handog pangkapayapaan. Pagkatapos nito, ang Nazareo ay maaari nang uminom ng alak. “Ito ang tuntunin tungkol sa panata ng Nazareo. Ngunit kung nangako siya ng iba pang bagay bukod rito, kailangang tuparin din niya iyon.” Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak na ang mga salitang ito ang bibigkasin nila sa pagbabasbas nila sa mga Israelita: Pagpalain ka nawa at ingatan ni Yahweh; kahabagan ka nawaatsubaybayan ni Yahweh; lingapin ka nawa at bigyan ng kapayapaan ni Yahweh. “Ganito nila babanggitin ang pangalan ko sa pagbabasbas sa mga Israelita at tiyak ngang pagpapalain ko sila.” Nang ganap na matapos na ang tabernakulo, pinahiran ito ni Moises ng langis at ipinahayag na para kay Yahweh, gayundin ang mga kagamitan doon, ang altar at ang lahat ng kagamitang ukol dito. Nang araw na iyon, ang mga pinuno ng Israel na nakatulong sa pagkuha ng sensus, ay naghandog kay Yahweh ng anim na malaking kariton at labindalawang toro: isang kariton sa bawat dalawang angkan at isang toro sa bawat angkan. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Tanggapin mo ang mga handog nilang ito upang magamit sa paglilipat ng Toldang Tipanan. Ipagkatiwala mo ang mga ito sa mga Levita ayon sa kanilang nakatakdang gawain.” Kinuha nga ni Moises ang mga kariton at toro at ibinigay sa mga Levita. Ang dalawang kariton at apat na toro ay ibinigay niya sa mga anak ni Gershon; ang apat na kariton at walong toro ay ibinigay niya sa mga anak ni Merari; ang lahat ay nasa ilalim ng pamamahala ni Itamar na anak ni Aaron. Hindi na niya binigyan ang mga anak ni Kohat sapagkat sila ang nagpapasan ng mga sagradong bagay kapag inililipat ang mga ito. Ang mga pinuno ng Israel ay nagdala rin ng kani-kanilang handog para sa pagtatalaga ng altar. Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa kanila na sa loob ng labindalawang araw ay tig-iisang araw sila ng paghahandog para sa pagtatalaga ng altar.” Nang pumasok si Moises sa Toldang Tipanan upang makipag-usap kay Yahweh, narinig niya ang tinig nito mula sa pagitan ng dalawang kerubin, sa ibabaw ng Luklukan ng Awa na nasa ibabaw ng Kaban ng Tipan. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo kay Aaron na pagkasindi ng pitong ilaw, iaayos niya ang mga ito sa ibabaw ng patungan upang magliwanag sa paligid nito.” Iyon nga ang ginawa ni Aaron ayon sa inutos ni Yahweh kay Moises. Ang ilawan ay yari sa pinitpit na ginto, gayundin ang palamuting bulaklak at ang mga tangkay nito. Ginawa ito ni Moises ayon sa anyong huwaran na ipinakita sa kanya ni Yahweh. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ibukod mo ang mga Levita at linisin ayon sa Kautusan. Wisikan mo sila ng tubig na panlinis ng kasalanan, paahitan ang buo nilang katawan, at palabhan ang kanilang kasuotan. Pagkatapos, pagdalhin mo sila ng dalawang batang toro; ang isa'y ihahandog na kasama ng handog na pagkaing butil, at ang isa'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Dalhin mo ang mga Levita sa harap ng Toldang Tipanan at iharap mo sa sambayanang Israel. Samantalang inihaharap mo sila kay Yahweh, ipapatong naman ng mga Israelita ang kanilang mga kamay sa ulo ng mga Levita. Ang mga ito'y iaalay ni Aaron kay Yahweh bilang natatanging handog ng bayang Israel para maglingkod sa akin. Pagkatapos, ipapatong ng mga Levita ang kanilang kamay sa ulo ng mga toro; ang isa'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan at ang isa'y handog na susunugin upang sila'y matubos sa kanilang mga kasalanan. “Ilaan mo ang mga Levita sa akin bilang natatanging handog, at ilagay mo sila sa ilalim ng pamamahala ni Aaron at ng mga anak niya. Ganyan mo sila ibubukod mula sa sambayanang Israel at sila'y magiging akin. Pagkatapos mo silang linisin ayon sa Kautusan at maialay kay Yahweh bilang natatanging handog, magsisimula na sila sa paglilingkod sa Toldang Tipanan. Nakalaan sila sa akin bilang kapalit ng mga panganay na lalaki ng Israel. Ang mga panganay ng Israel ay itinalaga kong maging akin nang gabing lipulin ko ang mga panganay ng Egipto. Kaya, sila ay akin, maging tao man o hayop. Pinili ko ang mga Levita bilang kapalit ng mga panganay ng Israel, upang makatulong ni Aaron at ng mga anak nito sa paglilingkod sa Toldang Tipanan sa paghahandog para sa katubusan ng kasalanan ng Israel. Sa ganoong paraan ay mailalayo ang mga Israelita sa panganib na mamatay kapag sila'y lumapit sa santuwaryo.” Ang mga Levita ay itinalaga nga ni Moises, ni Aaron at ng buong Israel, ayon sa utos ni Yahweh. Nilinis ng mga Levita ang kanilang katawan gayundin ang kanilang kasuotan. Itinalaga nga sila ni Aaron, at ginanap ang paghahandog para sa kapatawaran ng kanilang kasalanan. Isinagawang lahat ni Moises ang utos ni Yahweh sa kanya tungkol sa mga Levita. Pagkatapos, ginampanan na nila ang kanilang tungkulin sa loob ng Toldang Tipanan bilang katulong ni Aaron at ng mga anak nito. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ganito ang magiging tuntunin tungkol sa mga Levita: mula sa edad na dalawampu't lima, tutulong sila sa gawain sa loob ng Toldang Tipanan. Pagdating nila ng limampung taon, pagpapahingahin na sila sa ganoong gawain. Maaari pa rin silang tumulong sa kanilang mga kapwa Levita sa pagganap ng mga ito ng kanilang tungkulin sa loob ng Toldang Tipanan subalit hindi sila maaaring magsagawa ng paglilingkod.” Nang unang buwan ng ikalawang taon mula nang umalis sa Egipto ang mga Israelita, sinabi ni Yahweh kay Moises sa Bundok ng Sinai, “Iutos mo sa buong Israel na ipagdiwang ang Pista ng Paskwa sa takdang panahon, paglubog ng araw sa ika-14 na araw ng unang buwan ayon sa mga tuntunin tungkol dito.” Gayon nga ang ginawa ni Moises. Ipinagdiwang nga nila ang Pista ng Paskwa sa ilang ng Sinai noong gabi ng ika-14 na araw ng unang buwan. Noon ay may ilang taong nakahawak ng patay, kaya't ang mga ito'y itinuring na marumi ayon sa Kautusan at hindi maaaring sumali sa pagdiriwang ng Pista ng Paskwa. Dahil dito, lumapit sila kina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Totoo ngang kami'y marumi ayon sa Kautusan sapagkat kami'y nakahawak ng patay. Subalit dapat bang kami'y pagbawalang mag-alay ng handog kay Yahweh kasama ng mga Israelita?” “Maghintay kayo kung ano ang sasabihin sa akin ni Yahweh tungkol sa inyo,” sagot ni Moises. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ganito ang sabihin mo sa buong Israel: Sinuman sa mga kamag-anak ninyo na itinuturing na marumi dahil nakahawak ng bangkay, o kababayan ninyong naglalakbay at nasa ibang bayan, ay maaari pa ring magdiwang ng Pista ng Paskwa. Gaganapin nila ito sa kinagabihan ng ika-14 na araw ng ikalawang buwan. Sa gabing iyon, kakain din sila ng korderong pampaskwa, tinapay na walang pampaalsa, at mapait na gulay. Huwag din silang magtitira kahit kapiraso ng korderong pampaskwa at huwag din nilang babaliin kahit isang buto niyon. Sa pagdiriwang nila sa Paskwa, susundin nila ang lahat ng tuntunin ukol dito. Ang sinumang malinis at hindi naglalakbay na hindi sumali sa pagdiriwang ng Pista ng Paskwa ay ititiwalag sa sambayanan, sapagkat hindi siya naghandog kay Yahweh sa takdang panahon. Siya ay paparusahan. “Ang dayuhang nakikipamayan sa inyo ay maaaring sumama sa pagdiriwang ng Pista ng Paskwa kung susundin niya ang mga tuntunin tungkol dito. Iisa ang tuntunin ng Paskwa, maging para sa mga Israelita o sa mga dayuhan.” Nang maitayo na ang tabernakulo, ito ay natakpan ng ulap. Kung gabi, nagliliwanag itong parang apoy. Ganoon ang palaging nangyayari. Ang Toldang Tipanan ay natatakpan ng ulap kung araw at ang ulap ay nagliliwanag na parang apoy kung gabi. Tuwing aalis ang ulap sa ibabaw ng Toldang Tipanan, ang mga Israelita'y nagpapatuloy ng kanilang paglalakbay. Kung saan ito tumigil, doon sila nagkakampo. Nagpapatuloy sila o tumitigil sa paglalakbay ayon sa palatandaang ito ni Yahweh. Hindi sila lumalakad habang nasa ibabaw pa ng tabernakulo ang ulap. Hindi sila lumalakad kahit na magtagal pa ang ulap sa ibabaw ng tabernakulo. Hinihintay nila ang hudyat ni Yahweh. Kung minsan, ang ulap ay ilang araw na nasa ibabaw ng tabernakulo. Ayon sa kalooban ni Yahweh, sila'y nanatili sa kampo, at ayon din sa kalooban ni Yahweh, sila'y nagpapatuloy sa paglalakbay. Kung minsan, isang gabi lamang ito sa ibabaw ng Toldang Tipanan, at kung minsan nama'y maghapon at magdamag. Kapag pumapaitaas ang ulap, sila'y nagpapatuloy. Kahit tumagal pa ito nang dalawang araw, isang buwan o mahigit pa, hindi sila lumalakad. Nagpapatuloy lamang sila kung pumaitaas na ang ulap sa ibabaw ng tabernakulo. Nagpapatuloy nga sila o tumitigil sa paglalakbay ayon sa palatandaang ibinibigay ni Yahweh. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Magpagawa ka ng dalawang trumpetang yari sa pinitpit na pilak. Gagamitin mo ang mga ito sa pagtawag ng pagpupulong ng taong-bayan o kung kailangan nang magpatuloy sa paglalakbay ang buong Israel. Kapag hinipan nang sabay, ang buong Israel ay magtitipun-tipon sa harap ng Toldang Tipanan. Kapag isa ang hinipan, ang mga pinuno ng bawat angkan ang haharap sa iyo. Pag-ihip ng unang hudyat, lalakad ang mga liping nagkampo sa gawing silangan. Sa ikalawang ihip, lalakad naman ang mga nakahimpil sa gawing timog. Kapag dapat tipunin ang kapulungan, hihipan mo nang matagal ang trumpeta. Ang iihip ng trumpeta ay ang mga anak ni Aaron. Susundin ninyo ang tuntuning ito habang panahon. Kapag nilulusob kayo ng inyong kaaway, hipan ninyo ang trumpeta bilang hudyat upang tulungan at iligtas kayo ng Diyos ninyong si Yahweh. Sa inyong mga pagdiriwang, tulad ng Pista ng Bagong Buwan at iba pang kapistahan, hihipan din ninyo ang trumpeta habang inihahain ang handog na susunugin at handog pangkapayapaan. Sa gayon, aalalahanin ko kayo at tutulungan. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos.” Nang ika-20 araw ng ikalawang buwan ng ikalawang taon mula nang umalis sila sa Egipto, ang ulap ay pumaitaas mula sa ibabaw ng tabernakulo. Dahil dito, nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita hanggang ang ulap ay tumigil sa ilang ng Paran. Ito ang una nilang paglalakbay mula nang ibigay ni Yahweh kay Moises ang mga tuntunin ukol dito. Nauuna ang pangkat sa ilalim ng watawat ni Juda ayon sa kani-kanilang lipi at sa pamumuno ni Naason na anak ni Aminadab. Si Nathanael naman na anak ni Zuar ang pinuno ng lipi ni Isacar at si Eliab na anak ni Helon ang nangunguna sa lipi ni Zebulun. Kapag nakalas na at naihanda na sa pag-alis ang tabernakulo, susunod ang mga anak ni Gershon at ni Merari, na siyang nagpapasan ng binaklas na tabernakulo. Kasunod ang pangkat nina Ruben ayon sa kanya-kanyang angkan, at pinangungunahan ni Elizur na anak ni Sedeur. Ang lipi naman ni Simeon ay pinangungunahan ni Selumiel na anak ni Zurisadai at ni Eliasaf na anak ni Deuel naman sa lipi ni Gad. Kasunod ng pangkat nina Ruben ang mga Levita mula sa angkan ni Kohat, dala ang mga sagradong bagay. Pagdating nila sa susunod na pagkakampuhan, muli nilang itatayo ang tabernakulo. Kasunod naman ang pangkat ni Efraim ayon sa kani-kanilang angkan sa ilalim ng pamumuno ni Elisama na anak ni Amiud. Ang lipi ni Manases ay pinamumunuan ni Gamaliel na anak ni Pedazur, at ang lipi ni Benjamin ay pinangungunahan naman ni Abidan na anak ni Gideoni. Ang pangkat nina Dan ang kahuli-hulihan at siyang nagsisilbing tanod na nasa huling hanay. Sila'y pangkat-pangkat din ayon sa angkan at pinangungunahan ni Ahiezer na anak ni Amisadai. Ang pinuno ng lipi ni Asher ay si Pagiel na anak ni Ocran at ang pinuno naman ng lipi ni Neftali ay si Ahira na anak ni Enan. Ganito nga ang ayos ng buong Israel tuwing sila'y magpapatuloy sa paglalakbay. Kinausap ni Moises si Hobab na anak ni Ruel na Midianita, isang kamag-anak ng asawa ni Moises. Ang sabi niya, “Sumama ka sa amin patungo sa dakong ibinibigay sa amin ni Yahweh at bibigyan ka namin ng kasaganaang ipinangako niya sa amin.” “Hindi na ako sasama sa inyo sapagkat nais kong bumalik sa aking mga kamag-anak,” sagot niya. “Sumama ka na sa amin sapagkat kabisado mo ang pasikut-sikot sa ilang. Maituturo mo sa amin kung saan kami maaaring magkampo. Pagdating natin doon, babahaginan ka namin ng anumang pagpapalang ibibigay sa amin ni Yahweh,” sabi ni Moises. At mula sa Bundok ni Yahweh, naglakbay sila nang tatlong araw. Ang Kaban ng Tipan ay iniuna sa kanila nang tatlong araw para ihanap sila ng lugar na pagkakampuhan. Kung araw, nilililiman sila ng ulap ni Yahweh habang naglalakbay. Tuwing ilalakad ang Kaban ng Tipan, ito ang sinasabi ni Moises: “Magbangon ka, Yahweh, kaaway ay pangalatin. Itaboy mo ang iyong mga kaaway at magtatakbuhan sa takot ang lahat ng napopoot sa iyo.” At kapag inihihinto na nila sa paglalakbay ang Kaban ng Tipan, ito naman ang sinasabi niya: “Manumbalik ka, Yahweh, sa libu-libong angkan ng Israel.” Dahil sa hirap na dinaranas, nagreklamo ang mga Israelita. Dahil dito, nagalit si Yahweh at pinaulanan ng apoy ang isang bahagi ng kanilang kampo. Kaya, nagmakaawa kay Moises ang mga Israelita at agad naman siyang dumulog kay Yahweh. Dininig naman siya at namatay ang apoy. At ang lugar na iyo'y tinawag nilang Tabera sapagkat nagliyab doon ang apoy mula kay Yahweh. Ang mga dayuhang sumama sa paglalakbay ng mga Israelita ay nanabik sa dati nilang pagkain at nagaya sa kanila ang mga Israelita. Kaya, nagreklamo na naman sila. Ang sabi nila, “Kailan pa ba tayo makakatikim ng karne? Mabuti pa sa Egipto! Doon, nahihingi lang ang isda. At naaalaala ba ninyo ang pipino, pakwan, sibuyas, bawang at gulay na kinakain natin noon? Nanghihina na tayo ngayon. Walang makain dito kundi ang mannang ito!” Ang manna ay parang buto ng kulantro at kakulay ng bedelio. Ito ang laging pinupulot ng mga tao. Ginigiling nila ito o binabayo. Kapag niluto, ito'y lasang tinapay na sinangkapan ng langis. Ito'y kasama ng hamog na bumabagsak kung gabi. Narinig ni Moises ang reklamo ng lahat ng sambahayan na nakatayo sa pintuan ng kani-kanilang tolda. Nagalit nang labis si Yahweh, kaya't nanlumo si Moises. Itinanong ni Moises kay Yahweh, “Bakit ninyo ako ginaganito? Anong ikinagagalit ninyo sa akin? Bakit ninyo ako binigyan ng ganito kabigat na pasanin? Ako ba ang nagsilang sa kanila? Aalagaan ko ba sila tulad ng pag-aalaga ng ina sa kanyang anak, hanggang makarating kami sa lupaing ipinangako ninyo sa aming mga ninuno? Ayaw nila akong tigilan sa kahihingi ng karne. Saan ako kukuha ng karne para sa ganito karaming tao? Hindi ko sila kayang alagaang mag-isa. Napakabigat ng pasaning ito para sa akin! Kung ganito rin lamang ang gagawin ninyo sa akin, mabuti pa'y mamatay na ako ngayon din kaysa maghirap nang matagal.” Dahil dito, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumili ka ng pitumpung matatandang pinuno sa Israel, iyong mga kinikilala ng kanilang lipi, at isama mo sa Toldang Tipanan. Pagdating ninyo roon, bababâ ako at makikipag-usap sa iyo. Babahaginan ko sila ng espiritung ibinigay ko sa iyo upang makatulong mo sila. Sabihin mo naman sa buong bayan na ihanda nila ang kanilang mga sarili sapagkat bukas ay makakakain na sila ng karne. Nagrereklamo na naman sila. Itinatanong nila kung kailan pa sila makakatikim ng karne. Sinabi pang mabuti pa sa Egipto at marami silang pagkain. Kaya, bukas, ibibigay ko sa kanila ang pagkaing gusto nila. Hindi lamang para sa isa, dalawa, lima, sampu, dalawampung araw ang ibibigay ko sa kanila, kundi para sa isang buong buwan. Laging ito ang kakainin nila hanggang sa magsawa sila at magkandasuka sa pagkain nito sapagkat itinakwil nila ako at sinabi pa nilang mabuti pang hindi na sila umalis sa Egipto.” Sumagot si Moises, “Lahat-lahat ng kasama ko'y 600,000, at sinasabi mong bibigyan mo sila ng karne para sa isang buong buwan? Kahit na patayin ang lahat naming hayop o mahuli ang lahat ng isda sa dagat ay hindi sasapat sa ganito karaming tao.” Sinabi ni Yahweh, “Moises, mayroon ba akong hindi kayang gawin? Ngayon di'y ipapakita ko sa iyo kung totoo o hindi ang aking sinasabi.” Lumakad na si Moises at ibinalita sa mga Israelita ang sinabi ni Yahweh. Isinama niya ang pitumpung pinuno ng Israel at pinatayo sa paligid ng Toldang Tipanan. Bumabâ si Yahweh sa ulap at kinausap si Moises. Ang pitumpung matatandang pinuno ay binahaginan nga niya ng espiritu, tulad ng ibinigay niya kay Moises. Sila'y napuspos ng kapangyarihan at nagpropesiya ngunit hindi na nila ito muling nagawa. May naiwang dalawang pinuno sa kampo, Eldad ang pangalan ng isa at Medad naman ang isa. Tinawag silang kasama ng pitumpu ngunit hindi sumama. Gayunman, binahaginan din sila ng espiritu ni Yahweh kaya sila'y nagpahayag din tulad ng mga propeta sa loob ng kampo. Nakita pala sila ng isang binata at patakbo itong nagpunta kay Moises. Sinabi niya, “Sina Eldad at Medad ay nagpapahayag sa kampo.” Dahil dito, sinabi ni Josue na anak ni Nun at lingkod ni Moises, “Bakit di po ninyo sila sawayin?” Ngunit sinabi ni Moises, “Nangangamba ka bang ako'y mababawasan ng karangalan? Gusto ko ngang maging propeta at mapuspos ng espiritu ni Yahweh ang lahat ng mga Israelita.” Si Moises at ang pitumpung pinuno ng Israel ay nagbalik na sa kampo. Si Yahweh ay nagpadala ng hanging may tangay na laksa-laksang pugo mula sa kabila ng dagat. Ang mga ito'y nagliliparan sa paligid ng kampo. Isang metro lang ang taas ng kanilang lipad mula sa lupa at ang lawak ay isang araw na lakarin sa kabi-kabilang kampo. Lumabas ng kampo ang mga Israelita at nanghuli ng pugo hanggang kinabukasan; ang pinakakaunting nahuli ng isang tao ay aabot sa sampung malalaking sisidlan. Ang mga ito'y ibinilad nila sa paligid ng kampo. Ngunit bago pa lamang nila ito kinakagat, ibinuhos na ni Yahweh ang kanyang galit sa mga Israelita at siya'y nagpadala ng isang kakila-kilabot na salot. Ang lugar na iyon ay tinawag na Kibrot-hataava sapagkat doon nalibing ang mga taong naging hayok sa karne. Mula roon, nagpatuloy sila ng paglalakbay hanggang sa Hazerot. Sina Miriam at Aaron ay nagsalita ng laban kay Moises dahil sa babaing Cusita na kanyang pinakasalan—sapagkat siya'y nag-asawa nga ng isang babaing taga-Cus. Ang sabi nila, “Sa pamamagitan lang ba ni Moises nagsasalita si Yahweh? Hindi ba't sa pamamagitan din natin?” Narinig ni Yahweh ang usapan nilang ito. Si Moises naman ay isang taong mapagpakumbabá higit kaninumang nabuhay sa ibabaw ng lupa. Dahil dito, tinawag ni Yahweh sina Moises, Aaron at Miriam. Sinabi niya, “Magpunta kayong tatlo sa Toldang Tipanan.” At nagpunta nga sila. Si Yahweh ay bumabâ sa anyo ng haliging ulap at tumayo sa pintuan ng Toldang Tipanan. Tinawag niya sina Aaron at Miriam. Paglapit nila, sinabi niya, “Pakinggan ninyo ang sasabihin ko. Kung ang sinuma'y nais kong piliing propeta, nagpapakita ako sa kanya sa pangitain at kinakausap ko siya sa panaginip. Ngunit kaiba ang ginawa ko kay Moises sapagkat ipinagkatiwala ko sa kanya ang aking buong sambahayang Israel. Kinakausap ko siya nang harap-harapan at sinasabi ko sa kanya ang lahat sa maliwanag na paraan, hindi sa pamamagitan ng talinhaga. At siya lamang ang nakakita sa aking anyo. Bakit hindi man lamang kayo natakot na magsalita laban sa kanya?” Nagalit sa kanila si Yahweh, at siya'y umalis. Nang mawala na ang ulap sa ibabaw ng Toldang Tipanan, si Miriam ay nagkaroon ng maputing sakit sa balat na parang ketong. Nang makita ito ni Aaron, sinabi niya kay Moises, “Kapatid ko, huwag mo sana kaming parusahan dahil sa aming kamangmangan at kasamaan. Huwag mong pabayaang matulad siya sa isang buháy na patay, parang ipinanganak na nabubulok ang kalahati ng katawan.” Kaya, nakiusap si Moises kay Yahweh, “O Diyos, pagalingin po sana ninyo si Miriam!” Ngunit ang sagot ni Yahweh, “Kung siya'y duraan ng kanyang ama, hindi ba siya magtatago ng pitong araw dahil sa kahihiyan? Hayaan ninyo siya ng pitong araw sa labas ng kampo.” Kaya si Miriam ay pitong araw na nasa labas ng kampo. Hindi umalis ang bansang Israel hanggang hindi nakakapasok ng kampo si Miriam. Mula sa Hazerot, patuloy silang naglakbay. Pagdating sa ilang ng Paran ay nagkampo sila. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Pumili ka ng isa sa mga kinikilalang pinuno ng bawat lipi at isugo mo sila upang manmanan ang Canaan, ang lupaing ibibigay ko sa inyo.” Sila ang isinugo ni Moises upang maging espiya sa Canaan; si Oseas na anak ni Nun ay tinawag niyang Josue. Bago lumakad ang mga espiya, sila'y pinagbilinan ni Moises, “Sa Negeb kayo dumaan saka magtuloy sa kaburulan. Pag-aralan ninyong mabuti ang lupain. Tingnan ninyo kung malalakas o mahihina ang mga tao roon, kung marami o kakaunti. Tingnan ninyo kung mainam o hindi ang lupa, at kung may matitibay na muog o wala ang mga bayang tinitirhan ng mga tao roon. Tingnan din ninyo kung mataba ang mga bukirin doon o hindi, at kung maraming punongkahoy o wala. Lakasan ninyo ang inyong loob. At pagbalik ninyo, magdala kayo ng ilang bungangkahoy mula roon.” Noon ay panahon ng pagkahinog ng ubas. Pagdating sa Canaan, tiningnan ng mga espiya ang lupain mula sa ilang ng Zin hanggang sa Rehob, sa malapit sa Pasong Hamat. Umahon sila ng Negeb at nakarating ng Hebron at doo'y natagpuan nila ang mga angkan nina Ahiman, Sesai at Talmai. Ang mga ito'y mula sa lahi ni Anac. (Ang Hebron ay pitong taon nang lunsod bago ang Zoan sa Egipto.) Pagdating nila sa kapatagan ng Escol, kumuha sila ng isang buwig ng ubas na pinasan ng dalawang tao. Nanguha rin sila ng bunga ng punong granada at igos. Ang lugar na iyon ay tinawag nilang Escol dahil sa malaking buwig ng ubas na nakuha nila roon. Pagkaraan ng apatnapung araw, umuwi na ang mga espiya at humarap kina Moises, Aaron at sa buong bayang Israel na natitipon noon sa Paran, sakop ng Kades. Iniulat nila ang kanilang nakita at ipinakita ang mga uwi nilang bungangkahoy. Ang sabi nila, “Pinag-aralan namin ang lupain at natuklasan naming ito'y mayaman at masagana sa lahat ng bagay. Katunayan ang bungangkahoy na kinuha namin doon. Ngunit malalakas ang mga tagaroon. Malalaki ang lunsod at matitibay ang mga pader. Bukod dito, naroon din ang mga lahi ng higante. Sakop ng mga Amalekita ang Negeb. Ang kaburulan ay tinitirhan naman ng mga Heteo, Jebuseo at Amoreo. Mga Cananeo naman ang nasa baybay-dagat at sa tabi ng Ilog Jordan.” Subalit pinatahimik ni Caleb ang mga taong-bayan na nagrereklamo na noon kay Moises. Sinabi ni Caleb, “Hindi tayo dapat mag-aksaya ng panahon. Lusubin na natin sila sapagkat kaya natin silang gapiin.” Ngunit sumagot ang ibang espiyang kasama niya, “Hindi natin sila kaya sapagkat mas malakas sila kaysa atin.” Hindi maganda ang kanilang ulat tungkol sa lupaing pinasiyasat sa kanila. Ito ang sinabi nila, “Malalaking tao ang nakatira doon at sinumang magtangkang sumakop sa kanila ay lalamunin nila. Nakita namin doon ang mga higante. Sila ay mula sa lahi ni Anac. Mga tipaklong lamang kami kung ihahambing sa kanila.” Nalungkot ang buong bayan ng Israel at magdamag na nag-iyakan. Nagbulungan sila laban kina Moises at Aaron. Ang sabi nila, “Mabuti pang namatay na tayo sa Egipto o kaya'y sa ilang kaysa tayo'y patayin ng ating mga kaaway sa lupaing pinagdalhan sa atin ni Yahweh, at bihagin ang ating asawa't mga anak. Mabuti pa'y bumalik na tayo sa Egipto.” At nag-usap-usap sila na pumili ng isang lider na mangunguna sa kanilang pagbalik. Sina Moises at Aaron ay nagpatirapa na nakikita ng buong bayan. Dahil sa hinagpis, pinunit nina Josue na anak ni Nun at Caleb na anak ni Jefune ang kanilang kasuotan. Sinabi nila, “Mainam ang lupaing tiningnan namin, saganang-sagana sa lahat ng bagay. Kung malulugod sa atin si Yahweh, ibibigay niya sa atin ang lupaing iyon na mayaman at sagana sa lahat ng bagay. Huwag lamang kayong maghihimagsik laban sa kanya. Magtiwala kayo sa kanya at huwag matakot sa mga tagaroon. Madali natin silang matatalo. Kasama natin si Yahweh at ginapi na niya ang kanilang mga diyos. Kaya huwag kayong matakot.” Ngunit binantaang babatuhin ng taong-bayan sina Josue at Caleb. Kaya't ipinakita ni Yahweh ang kanyang kaluwalhatian sa ibabaw ng Toldang Tipanan. Itinanong ni Yahweh kay Moises, “Hanggang kailan ako hahamakin ng mga taong ito? Kailan pa sila maniniwala sa akin samantalang nasaksihan naman nilang lahat ang mga himalang ginawa ko para sa kanila? Padadalhan ko sila ng salot at aalisan ng karapatan sa mana. At ikaw ang gagawin kong ama ng isang bansang higit na marami at makapangyarihan kaysa kanila.” Sumagot si Moises, “Malalaman ng mga Egipcio ang gagawin ninyong iyan. Alam pa naman nila na ang Israel ay inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan. At kung ito'y sabihin nila sa mga taga-Canaan, alam din ng mga iyon na ang Israel ay pinapatnubayan ninyo. Alam nilang kayo ay harap-harapang nagpapakita sa Israel at ang bayang ito'y inyong pinapatnubayan sa pamamagitan ng haliging ulap kung araw at haliging apoy kung gabi. Kung lilipulin ninyo sila, sasabihin ng lahat na nilipol ninyo ang Israel sa ilang sapagkat hindi ninyo sila kayang dalhin sa lupaing ipinangako ninyo sa kanila. Kaya nga, isinasamo kong minsan pa ninyong ipakita ang inyong kapangyarihan tulad ng sinabi ninyo noong una, ‘Si Yahweh ay hindi madaling magalit, mahabagin at handang magpatawad. Subalit hindi niya ipinagwawalang-bahala ang kasamaan, sapagkat ang kasalanan ng mga magulang ay kanyang sisingilin hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi.’ Isinasamo ko nga, Yahweh, patawarin na ninyo ang mga taong ito at patnubayan sila tulad ng inyong ginagawa mula nang sila'y ilabas ninyo sa Egipto, sapagkat kayo ay Diyos ng pag-ibig, at handang magpatawad sa mga nagkasala.” Sinabi ni Yahweh, “Dahil sa panalangin mo, pinapatawad ko na sila. Ngunit ito ang tandaan mo: hanggang ako'y buháy at nalulukuban ng aking kaluwalhatian ang buong mundo, Ngunit si Caleb na aking lingkod ay naiiba sa kanila. Sumunod siya sa akin nang buong katapatan, kaya makakapasok siya sa lupaing iyon, pati ang kanyang angkan. Kaya bukas, magpatuloy kayo sa paglalakbay patungong Dagat na Pula. Lumigid kayo sa ilang sapagkat ang mga Amoreo at Cananeo ay nasa kapatagan.” Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Hanggang ngayo'y patuloy pa rin ang mga Israelita sa pagrereklamo laban sa akin. Kailan pa ba sila tatahimik? Sabihin ninyo sa kanila na ito ang ipinapasabi ko: ‘Habang buháy akong si Yahweh, gagawin ko sa inyo ang narinig kong gusto ninyong mangyari. Mamamatay kayo dito sa ilang. Sa mga kabilang sa sensus, samakatuwid ay iyong mula sa dalawampung taon pataas, isa man ay walang makakarating sa lupaing ipinangako ko, maliban kina Caleb na anak ni Jefune at Josue na anak ni Nun. Ang makakarating lamang doon ay ang inyong mga anak na sinasabi ninyong mabibihag ng kaaway. Sila ang maninirahan doon. Ngunit mamamatay kayo dito sa ilang. Ang mga anak ninyo'y magpapalabuy-laboy rito sa loob ng apatnapung taon, hanggang hindi kayo namamatay lahat. Ito ang kabayaran ng inyong hindi pagsampalataya. Ang apatnapung araw na pinagmanman ninyo sa lupaing iyon ay tutumbasan ko ng apatnapung taon ng pagpapahirap upang madama ninyo ang aking poot sa loob ng panahong iyon.’ Akong si Yahweh ang maysabi nito at gagawin ko ito sa masamang bayang ito. Mamamatay sila rito sa ilang.” At ang mga espiya na nagbigay ng masamang ulat na siyang naging dahilan ng kaguluhan sa Israel ay nilipol ni Yahweh sa pamamagitan ng salot. Ngunit hindi namatay si Josue na anak ni Nun at si Caleb na anak ni Jefune. Lahat ng bilin ni Yahweh ay sinabi ni Moises sa mga Israelita, at sila'y nag-iyakan. Kinaumagahan, nagpunta sila sa ibabaw ng burol. Sinabi nila, “Papunta na kami sa lupaing sinasabi ni Yahweh. Tinatanggap naming kami'y nagkasala.” Ngunit sinabi ni Moises, “Bakit ninyo sinusuway si Yahweh? Hindi ba ninyo alam na hindi magtatagumpay ang ginagawa ninyong iyan? Huwag na kayong tumuloy. Kapag tumuloy kayo, malulupig kayo ng inyong mga kaaway sapagkat hindi kayo sasamahan ni Yahweh. Ang mga Amalekita at Cananeo ay naroon sa pupuntahan ninyo at tiyak na papatayin nila kayo. Hindi ninyo maaasahan ang patnubay ni Yahweh sapagkat siya'y itinakwil na ninyo.” Ngunit nagpatuloy pa rin sila kahit wala sa kanila ang Kaban ng Tipan at hindi nila kasama si Moises. Sinalakay nga sila ng mga Amalekita at mga Cananeo na naninirahan sa kaburulan, tinalo sila ng mga ito at tinugis sila hanggang sa Horma. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ganito ang sabihin mo sa Israel: Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, maghahandog kayo kay Yahweh. Anumang ihahandog ninyo mula sa inyong mga kawan, maging handog na susunugin, tanging handog bilang panata, o kusang handog kung panahon ng pista, ay lalakipan ninyo ng handog na pagkaing butil na kalahating salop ng pinong harinang minasa sa isang litrong langis. Samahan din ng isang litrong alak ang bawat tupang handog upang sunugin. Ang bawat handog na tupang lalaki ay sasamahan ng handog na pagkaing butil na isang salop ng pinong harinang minasa sa 1 1/3 litrong langis, at 1 1/3 litrong alak. Sa ganoon, ang handog ninyo ay magiging mabangong samyo kay Yahweh. Kung maghahandog kayo ng isang toro upang sunugin o ihain bilang katuparan ng panata o kaya'y bilang handog pangkapayapaan, sasamahan naman ito ng isa't kalahating salop ng pinong harinang minasa sa dalawang litrong langis, at ganoon din karaming inumin upang maging mabangong samyo kay Yahweh. “Ganyan nga ang gagawin ninyo tuwing maghahandog kayo ng toro, tupang lalaki, batang tupa o batang kambing. Ang dami ng handog na pagkaing butil at inumin ay batay sa dami ng handog. Ganito nga ang gagawin ng mga katutubong Israelita sa pagdadala nila ng handog na mabangong samyo kay Yahweh. Ganito rin ang gagawin ng dayuhang nakikipamayan sa inyo kung nais nilang mag-alay ng mabangong handog kay Yahweh. Isa lamang ang tuntuning susundin ninyo at ng mga dayuhan sa habang panahon. Kung ano kayo sa harapan ni Yahweh ay gayon din ang mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. Magkaroon lamang kayo ng iisang Kautusan at tuntuning susundin ng lahat, maging Israelita o dayuhan.” Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay ko sa inyo, magbubukod kayo ng handog kay Yahweh tuwing kayo'y kakain ng mga pagkain doon. Magbubukod kayo ng tinapay mula sa harinang una ninyong minasa at inyong ihain bilang handog mula sa ani. Ihahandog ninyo kay Yahweh ang unang masa ng harina; ito'y tuntunin sa habang panahon. “Subalit kung sakaling nakaligtaan ninyong tuparin ang alinman sa utos ni Yahweh na sinabi kay Moises, buhat sa pasimula hanggang sa wakas, ang buong bayan ay maghahandog ng isang toro bilang handog na susunugin kalakip ng handog na pagkaing butil, at isang kambing na lalaki bilang handog ukol sa kasalanan. Ipaghahandog sila ng pari para sa kanilang kasalanan. Kapag nagawa na ito, patatawarin sila sapagkat ito'y pagkakamaling hindi sinasadya, at naghandog na sila para dito. Ang buong Israel at ang mga nakikipamayan sa inyo ay patatawarin sapagkat ito'y pagkakamali nilang lahat. “Kung ang isang tao'y nagkasala nang hindi sinasadya, magdadala siya ng isang babaing kambing na isang taóng gulang bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Siya'y ipaghahandog ng pari upang patawarin ni Yahweh. Iisa ang tuntuning susundin tungkol sa hindi sinasadyang pagkakasala ng isang Israelita at ng isang dayuhan. “Ngunit ititiwalag sa sambayanan ang sinumang magkasala nang sinasadya, maging siya'y katutubong Israelita o dayuhang nakikipamayan, sapagkat iyon ay paglapastangan kay Yahweh. Dahil nilabag niya ang kautusan ni Yahweh, siya ang dapat sisihin sa kanyang kamatayan.” Nang sila'y nasa ilang, may nakita silang nangangahoy sa Araw ng Pamamahinga. Iniharap nila ito kina Moises, Aaron at sa buong kapulungan. Ikinulong muna siya habang hindi pa tiyak kung ano ang gagawin sa kanya. Kaya't sinabi ni Yahweh kay Moises, “Dalhin siya sa labas ng kampo at pagbabatuhin ng buong kapulungan hanggang mamatay.” Ganoon nga ang ginawa nila. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na habang panahon silang maglalagay ng palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Susuksukan nila ito ng asul na tali. Gagawin ninyo ito upang maalala ninyo at sundin ang mga kautusan ni Yahweh tuwing makikita ninyo ang mga palawit na iyon. Sa ganoon, masusunod ang salita ni Yahweh at hindi ang inyong sariling nasa at kagustuhan. Sundin ninyong lagi ang aking mga utos at kayo'y lubos na magiging nakalaan sa akin. Ako si Yahweh na inyong Diyos. Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto upang maging Diyos ninyo. Ako si Yahweh na inyong Diyos.” Naghimagsik laban kay Moises si Korah na anak ni Izar at apo ni Kohat na anak ni Levi. Kasama niya sa paghihimagsik na ito sina Datan at Abiram na mga anak ni Eliab, at si On na anak ni Pelet na pawang buhat sa lipi ni Ruben. May kasama pa silang 250 katao na pawang kilala sa bayan at mga pinuno ng kapulungan. Hinarap nila sina Moises at Aaron at sinabi, “Sobrana'yang ginagawa ninyo! Lahat ng nasa kapulungang ito ay nakalaan kay Yahweh at siya ay nasa kalagitnaan natin! Bakit itinataas ninyo ang inyong sarili higit pa sa kapulungang ito?” Nang marinig ito ni Moises, nagpatirapa siya sa lupa. Sinabi niya kina Korah, “Bukas ng umaga, ipapakita sa inyo ni Yahweh kung sino ang tunay na nakalaan sa kanya at kung sino lamang ang maaaring lumapit sa kanya. Ang makakalapit lamang sa kanya ay ang kanyang pinili.” At sinabi niya kina Korah, “Ganito ang gawin ninyo: Kumuha kayo ng lalagyan ng insenso bukas, at lagyan ninyo ito ng baga sa harapan ni Yahweh, saka lagyan ng insenso. Kung sino ang tunay na nakalaan kay Yahweh ang siyang pipiliin niya. Kayong mga Levita ay sumosobra na.” Sinabi rin ni Moises sa kanila, “Makinig kayong mga Levita! Hindi pa ba kayo nasisiyahan na kayo'y pinili ni Yahweh upang maglingkod sa kanya sa tabernakulo upang paglingkuran ang bayang Israel? Kayong mga Levita'y ibinukod na ni Yahweh upang maglingkod sa harapan niya, bakit nais ninyong agawin pati ang pagiging pari? Dahil sa hangad ninyong iyan ay naghihimagsik kayo laban kay Yahweh. Sino ba si Aaron upang inyong paghimagsikan?” Ipinatawag ni Moises sina Datan at Abiram na anak ni Eliab ngunit sinabi nila, “Ayaw namin! Hindi pa ba sapat sa iyo na inalis mo kami sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay upang patayin ng gutom dito sa ilang? Bakit gusto mo pang ikaw ay kilalanin naming pinuno? Hanggang ngayo'y hindi mo pa kami nadadala sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, ni nabibigyan ng bukirin at ubasan na aming mana. Akala mo ba'y malilinlang mo pa kami? Hindi kami pupunta!” Dahil dito, nagalit nang husto si Moises at sinabi kay Yahweh, “Huwag mo po sanang tanggapin ang handog ng mga taong ito. Wala akong kinuha sa kanila kahit isang asno man lang. Wala rin akong ginawang masama ni isa man sa kanila.” Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Korah, “Humarap kayo bukas kay Yahweh: ikaw, pati ang mga kasamahan mo. Pupunta rin doon si Aaron. Kayo ng mga kasama mo ay magdala ng tig-iisang lalagyan ng insenso, at magsunog kayo ng insenso sa harapan ni Yahweh. Ganoon din ang gagawin ni Aaron.” Kinabukasan, nagdala nga sila ng insenso at lalagyan nito. Pumunta sila sa may pintuan ng Toldang Tipanan, kasama sina Moises at Aaron. Si Korah at ang kanyang mga kasamahan ay tumayo sa harap ng Toldang Tipanan at tinipon nila doon ang buong bayan sa harap nina Moises at Aaron. Walang anu-ano'y nagningning ang kaluwalhatian ni Yahweh sa harap ng buong bayan. Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Lumayo kayo sa kanila para malipol ko sila agad.” Ngunit nagpatirapa sina Moises at Aaron. Sinabi nila, “O Diyos, ikaw ang nagbibigay-buhay sa lahat ng tao. Lilipulin mo ba ang buong bayan dahil sa kasalanan ng isang tao lamang?” Sumagot si Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga taong-bayan na lumayo sa mga tolda nina Korah, Datan at Abiram.” Kaya't tumayo si Moises at pinuntahan sina Datan at Abiram; kasunod niya ang matatandang namumuno sa Israel. Sinabi niya sa kapulungan, “Lumayo kayo sa mga tolda ng masasamang taong ito. Huwag ninyong hihipuin ang anumang ari-arian nila at baka kayo'y malipol na kasama nila dahil sa mga kasalanan nila.” Lumayo nga sila sa mga tolda nina Korah, Datan at Abiram. Sina Datan at Abiram ay nakatayo sa pintuan ng kanilang tolda, kasama ang kani-kanilang pamilya. Sinabi ni Moises, “Malalaman ninyo ngayon na isinugo ako ni Yahweh upang gawin ang mga bagay na ito, at ito'y hindi ko sariling kagustuhan. Kapag ang mga taong ito'y namatay sa sakit o sa karaniwang paraan, nangangahulugang hindi ako ang isinugo ni Yahweh. Ngunit kapag may ginawang di-pangkaraniwan ang Diyos at bumuka ang lupa at sila'y nilulon nang buháy kasama ang lahat ng may kaugnayan sa kanila, at sila'y nalibing nang buháy sa daigdig ng mga patay, nangangahulugang naghimagsik ang mga taong ito kay Yahweh.” Hindi pa halos natatapos sa pagsasalita si Moises ay bumuka na ang lupa, at nilulon nang buháy sina Korah pati ang kanilang mga pamilya at mga ari-arian. Silang lahat ay nalibing nang buháy. Muling nagsara ang lupa at hindi na sila nakita ng mga Israelita. Dahil dito, nagtakbuhan ang mga taong-bayan dahil sa kanilang nasaksihan. “Lumayo tayo rito!” ang sigawan nila. “Baka pati tayo'y lamunin ng lupa.” Pagkatapos nito'y nagpaulan ng apoy si Yahweh at sinunog ang 250 kasamahan ni Korah na nagsunog ng insenso. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo kay Eleazar na anak ni Aaron na kunin ang mga lalagyan ng insenso at ikalat sa paligid ang mga baga. Kailangang gawin ito sapagkat sagrado ang mga lalagyan ng insenso. Naging sagrado ang mga ito nang iharap sa altar ni Yahweh. Kaya't kunin ninyo ang mga lalagyan ng insenso ng mga taong pinatay dahil sa kanilang kasalanan at pitpitin ninyo nang manipis at gawing panakip sa altar. Ang mga iyon ay sagrado sapagkat inihandog na sa akin. Maging babala sana ito sa sambayanang Israel.” Kinuha nga ni Eleazar ang mga lalagyan ng insenso na pawang tanso, ipinapitpit nang manipis, at itinakip sa altar. Ito'y babala sa mga Israelita na ang sinumang hindi pari o hindi kabilang sa angkan ni Aaron ay hindi dapat mangahas magsunog ng insenso sa harapan ni Yahweh. Baka matulad sila kay Korah at sa mga kasamahan nito. Ang lahat ng ito'y ginawa ni Eleazar ayon sa iniutos ni Yahweh kay Moises. Kinabukasan, sinumbatan ng buong bayan sina Moises at Aaron. Sabi nila, “Pinatay ninyo ang bayan ni Yahweh.” At nang sila'y nagkakaisa nang lahat laban kina Moises at Aaron, lumingon sila sa Toldang Tipanan at nakita nilang natatakpan ito ng ulap at nagniningning doon ang kaluwalhatian ni Yahweh. Pumunta sina Moises at Aaron sa harapan ng Toldang Tipanan. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Lumayo kayo sa mga taong ito at lilipulin ko sila ngayon din!” Ngunit nagpatirapa sa lupa sina Moises at Aaron. Sinabi ni Moises kay Aaron, “Magsunog ka ng insenso sa lalagyan nito. Dalhin mo agad ito sa kapulungan at ihingi mo sila ng tawad kay Yahweh sapagkat kumakalat na ang salot dahil sa kanyang poot.” Sinunod nga ni Aaron ang sinabi ni Moises at patakbo siyang nagtungo sa gitna ng kapulungan. Pagdating niya roon ay marami nang patay. Nagsunog siya agad ng insenso at inihingi ng tawad ang sambayanan. At siya'y tumayo sa pagitan ng mga patay at buháy; at tumigil ang salot. Ang namatay sa salot na iyon ay 14,700, bukod pa sa mga namatay na kasama sa paghihimagsik ni Korah. Nang wala na ang salot, nagbalik si Aaron kay Moises sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na ang pinuno ng bawat lipi ay magbigay sa iyo ng tig-iisang tungkod. Isusulat nila ang kanilang mga pangalan dito. Ang pangalan ni Aaron ang isusulat mo sa tungkod ng lipi ni Levi sapagkat bawat pinuno ng lipi ay dapat magkaroon ng iisa lamang tungkod. Ilalagay mo ang mga tungkod na iyon sa loob ng Toldang Tipanan sa harap ng Kaban ng Tipan, sa lugar kung saan kita kinatatagpo. Ang tungkod ng taong aking pinili ay mamumulaklak. Sa ganoon, matitigil na ang pagrereklamo nila laban sa iyo.” Ganoon nga ang sinabi ni Moises at nagbigay sa kanya ng tungkod ang mga pinuno ng bawat lipi. Labindalawa lahat pati ang tungkod ni Aaron. Ang mga ito'y inilagay ni Moises sa harapan ni Yahweh, sa loob ng Toldang Tipanan. Kinabukasan, nang pumasok sa Toldang Tipanan si Moises, nakita niyang may usbong ang tungkod ni Aaron. Bukod sa usbong, namulaklak pa ito at namunga ng hinog na almendra. Inilabas ni Moises ang lahat ng tungkod at ipinakita sa mga Israelita. Nakita nila ang nangyari, at kinuha na ng mga pinuno ang kani-kanilang tungkod. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ibalik mo sa harap ng Kaban ng Tipan ang tungkod ni Aaron upang maging babala sa mga naghihimagsik. Mamamatay sila kung hindi sila titigil ng karereklamo.” Ginawa nga ito ni Moises ayon sa iniutos ni Yahweh. Sinabi ng mga Israelita kay Moises, “Mapapahamak kami! Mauubos kaming lahat! Kung mamamatay ang bawat lumapit sa Toldang Tipanan ni Yahweh, mamamatay kaming lahat!” Sinabi ni Yahweh kay Aaron, “Ikaw, ang iyong mga anak na lalaki, at ang lipi ni Levi ang may pananagutan sa lahat ng gawain sa Toldang Tipanan. Ngunit sa mga gawain ng pari, ikaw at ang iyong mga anak na lalaki lamang ang mangangasiwa. Ang mga kamag-anak ninyong mga Levita ang tutulong sa iyo at sa iyong mga anak sa inyong paglilingkod sa loob ng Toldang Tipanan. Subalit hindi sila lalapit sa altar o sa alinmang sagradong kasangkapan sa loob ng santuwaryo. Kapag lumapit sila, kayong lahat ay mamamatay. Liban sa kanila ay wala kayong ibang makakatulong sa anumang gawain sa Toldang Tipanan, at wala ring dapat lumapit sa inyo roon. Ikaw lamang at ang iyong mga anak na lalaki ang gaganap sa mga tungkulin sa Toldang Tipanan at sa altar upang hindi ako muling magalit sa sambayanang Israel. Ako ang pumili sa mga kamag-anak mong Levita upang makatulong mo sa mga gawaing ito. Handog ko sila sa inyo para maglingkod sa akin sa Toldang Tipanan. Ngunit ikaw lamang at ang iyong mga anak na lalaki ang maghahandog sa altar at sa Dakong Kabanal-banalan. Tungkulin ninyo ito. Ikaw lamang ang pinagkalooban ko ng tungkuling ito. Sinumang makialam sa iyo tungkol sa mga sagradong bagay ay dapat patayin.” Sinabi ni Yahweh kay Aaron, “Ipinagkakaloob ko sa iyo ang lahat ng tanging handog ng mga Israelita bilang bahagi mo at ng iyong mga anak habang panahon. Ito ang nauukol sa iyo at sa iyong mga anak: lahat ng handog na hindi sinusunog sa altar, maging handog na pagkaing butil, maging handog na para sa kapatawaran ng kasalanan o handog na pambayad sa kasalanan. Ito ay ituturing ninyong ganap na sagrado at kakainin ninyo sa isang banal na lugar. Ang mga lalaki lamang sa inyong sambahayan ang maaaring kumain nito. “Para sa iyo rin at sa iyong sambahayan ang kanilang mga natatanging handog. Lahat ng iyong kasambahay, lalaki at babaing malinis ayon sa Kautusan ay maaaring kumain nito. “Ibinibigay ko rin sa iyo ang pinakamainam sa lahat ng unang bunga ng halaman na ihahandog nila sa akin, gayundin ang langis, alak at pagkain. Ang lahat ng iyan ay para sa inyo at maaaring kainin ng sinumang kasambahay mo na malinis ayon sa Kautusan. “Lahat ng mga bagay na lubos na naialay ng mga Israelita kay Yahweh ay nauukol sa iyo. “Lahat ng panganay, maging tao o hayop na pawang nakatalaga sa akin ay mauuwi sa iyo. Ngunit ang panganay na Israelita at ang panganay ng mga hayop na marurumi ayon sa Kautusan ay tutubusin nila isang buwan matapos isilang. Ang tubos sa bawat isa ay limang pirasong pilak, ayon sa timbangan ng templo. Ang panganay na baka, tupa o kambing ay hindi na tutubusin. Ang mga ito ay ilalaan sa akin. Ang dugo ng mga ito'y iwiwisik mo sa altar. Susunugin mo naman ang kanilang taba upang ang usok nito'y maging mabangong samyo para sa akin. Para sa iyo rin ang pitso at ang kanang hita ng kanilang mga handog. “Lahat ng tanging handog nila sa akin ay nauukol sa iyong sambahayan. Ito'y isang di-masisirang kasunduan ko sa iyo at sa iyong mga anak at sa magiging anak pa nila.” Sinabi pa ni Yahweh kay Aaron, “Hindi ka na bibigyan ng bahagi sa lupaing ibibigay ko sa kanila; ako mismo ang iyong pinakabahagi at ang iyong mana. “Ang bahagi ng mga Levita ay ang ikasampung bahagi na ibibigay ng Israel, at ito ang nauukol sa kanilang paglilingkod sa Toldang Tipanan. Mula ngayon, ang mga taong-bayan ay hindi na maaaring lumapit sa Toldang Tipanan, kundi'y magkakasala sila at mamamatay. Ang mga Levita lamang ang gaganap ng anumang paglilingkod sa Toldang Tipanan at pananagutan nila ito. Ito ay tuntuning susundin habang panahon sa lahat ng inyong salinlahi. Subalit walang kaparteng lupa ang mga Levita sa Israel sapagkat ang bahagi ng mga Levita ay ang ikasampung bahagi ng buong Israel, kaya ko sinabing wala silang kaparte sa Israel.” Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga Levita, ‘Pagtanggap ninyo sa ikasampung bahagi ng mga Israelita, ihahandog ninyo kay Yahweh ang ikasampung bahagi noon, samakatuwid ay ang ikasampung bahagi ng ikasampung bahagi. Ang handog ninyong ito ay siyang katumbas ng handog ng ibang lipi mula sa ani ng kanilang mga bukirin at ubasan. Sa gayong paraan, kayo man ay maghahandog ng ikasampung bahagi kay Yahweh sa pamamagitan ng ikasampung bahagi ng tinatanggap ninyo sa mga Israelita. Iyon naman ay ibibigay kay Aaron. Ang pinakamainam sa handog na tinatanggap ninyo ang inyong ihahandog para kay Yahweh.’ Kaya, sabihin mo sa kanila na pagkatapos ibukod ang pinakamainam na bahagi ng ikasampung bahagi ng buong Israel, ang matitira'y kanila na. Iyan ang siyang katumbas ng inaani ng ibang lipi sa kanilang mga bukirin at ubasan. At maaari nilang kainin iyon kahit saan, pati ng kanilang sambahayan sapagkat iyon ang kabayaran sa kanila sa paglilingkod nila sa Toldang Tipanan. Hindi kayo magkakasala sa pagkain ng matitira kapag naibukod na ninyo ang pinakamaiinam. Ngunit kung hindi pa naibubukod at naihahandog kay Yahweh ang mga pinakamaiinam, at ito'y kinain ninyo, ituturing na nilalapastangan ninyo ang handog ng mga Israelita, at kayo'y dapat mamatay.” Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Sabihin ninyo sa mga Israelita na pumili ng isang mapula-pulang dumalagang baka na walang kapintasan at hindi pa napagtatrabaho kahit kailan. Ito'y dadalhin nila sa inyo, at ibibigay naman ninyo kay Eleazar upang patayin sa labas ng kampo habang siya'y nakatingin. Ilulubog ni Eleazar ang kanyang mga daliri sa dugo nito at pitong ulit na wiwisikan ang harap ng Toldang Tipanan. Pagkatapos, ang baka'y susunugin nang buo sa harapan ng pari, pati balat, dugo at dumi. Habang sinusunog ito, ang pari ay kukuha naman ng kahoy na sedar, ng hisopo at lana, at isasama sa bakang sinusunog. Pagkatapos, lalabhan ng pari ang kanyang kasuotan, maliligo siya, saka papasok sa kampo. Ituturing siyang marumi ayon sa Kautusan hanggang kinagabihan. Ang kasuotan ng katulong sa pagsusunog ng dumalagang baka ay dapat ding labhan. Kailangan din siyang maligo at ituturing din siyang marumi hanggang kinagabihan. Ang abo ng sinunog na baka ay iipunin ng sinumang malinis ayon sa Kautusan. Ilalagay ito sa isang malinis na lugar sa labas ng kampo. Ito ang gagamitin ng mga Israelita sa paghahanda ng tubig na panlinis ayon sa Kautusan, sapagkat ang dumalagang bakang iyon ay handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Ang kasuotan ng mag-iipon ng abo ay lalabhan at ituturing din siyang marumi hanggang sa kinagabihan. Ang tuntuning ito'y susundin ng lahat habang panahon, para sa mga Israelita at maging sa mga dayuhang naninirahan sa bayan nila. “Sinumang makahawak sa patay ay ituturing na marumi sa loob ng pitong araw. Upang maging malinis muli, kailangang linisin niya ang kanyang sarili sa ikatlo at ikapitong araw sa pamamagitan ng tubig na inilaan para dito. Kapag hindi niya ginawa ito, hindi siya magiging malinis. Sinumang humawak ng bangkay at hindi maglinis ng sarili sa pamamagitan ng tubig na panlinis ay nagpaparumi sa tabernakulo ni Yahweh. Siya'y mananatiling marumi habang panahon, at ititiwalag sa sambayanang Israel. “Ito ang tuntunin kapag may namatay sa loob ng tolda: lahat ng naroroon o sinumang pumasok doon ay ituturing na marumi sa loob ng pitong araw. Pati mga sisidlang walang takip ay ituturing din na marumi. “Lahat namang makahawak ng patay o kalansay sa labas ng tolda, at ang sinumang mapahawak sa libingan ay ituturing din na marumi sa loob ng pitong araw. “Ang mga itinuturing na marumi dahil sa paghawak sa patay, kalansay o libingan ay kukuha ng abo na galing sa sinunog na handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Ilalagay ito sa isang palangganang may sariwang tubig. Pagkatapos, ang isa sa mga itinuturing na malinis ay kukuha ng sanga ng hisopo, ilulubog ito sa tubig at wiwisikan nito ang tolda, ang mga kagamitan dito, at ang lahat ng taong nakahawak ng patay, kalansay o libingan. Sa ikatlo at ikapitong araw, ang itinuturing na marumi ay wiwisikan ng sinumang itinuturing na malinis. Pagkatapos, lalabhan ng itinuturing na marumi ang kanyang kasuotan at siya'y maliligo; sa kinagabihan, ituturing na siyang malinis. “Sinumang itinuturing na marumi ngunit hindi maglinis sa pamamagitan ng tubig na panlinis ay mananatiling marumi. Ititiwalag siya sa sambayanan sapagkat dinudungisan niya ang santuwaryo ni Yahweh. Ang mga ito'y tuntuning susundin ninyo habang panahon. Lalabhan din ang kasuotan ng sinumang magwisik ng tubig na panlinis. At sinumang makahawak sa tubig na ito ay ituturing na marumi hanggang kinagabihan. Anumang mahawakan ng taong itinuturing na marumi ay ituturing ding marumi hanggang kinagabihan, gayundin ang sinumang humipo sa bagay na iyon.” Nang unang buwan, nakarating ang buong sambayanan ng Israel sa ilang ng Zin at nagkampo sila sa Kades. Doon namatay at inilibing si Miriam. Wala silang makuhang tubig doon, kaya nagpulong sila laban kina Moises at Aaron. Sinabi nila, “Mabuti pa'y namatay na kami sa harap ng Tolda ni Yahweh kasama ng iba naming mga kapatid. Bakit pa ninyo kami dinala rito? Upang patayin ba kasama ng aming mga alagang hayop? Bakit ninyo kami inilabas sa Egipto at dinala sa disyertong ito na wala kahit isang butil na pagkain, igos, ubas o bunga ng punong granada! Wala man lang tubig na mainom!” Nagpunta sina Moises at Aaron sa may pintuan ng Toldang Tipanan at nagpatirapa roon. Nagningning sa kanila ang kaluwalhatian ni Yahweh. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Dalhin mo ang tungkod na nasa harap ng Kaban ng Tipan at isama ninyo ni Aaron ang buong bayan sa harap ng malaking bato. Pagdating doon, magsalita ka sa bato at lalabas ang tubig para sa taong-bayan at sa kanilang mga alagang hayop.” Kinuha nga ni Moises ang tungkod mula sa Kaban ng Tipan. Tinipon nina Moises at Aaron sa harap ng malaking bato ang buong bayan. Sinabi niya, “Makinig kayo, mga mapanghimagsik. Gusto ba ninyong magpabukal pa kami ng tubig mula sa batong ito?” Pagkasabi noon, dalawang ulit na pinalo ni Moises ang bato sa pamamagitan ng tungkod. Biglang bumukal ang masaganang tubig at nakainom ang mga tao pati ang kanilang mga alagang hayop. Ngunit pinagsabihan ni Yahweh sina Moises at Aaron. Sabi niya, “Dahil kulang ang inyong pananalig sa akin na maipapakita ko sa mga Israelita na ako'y banal, hindi kayo ang magdadala sa bayang ito sa lupaing ibibigay ko sa kanila.” Nangyari ito sa bukal ng Meriba, kung saan nagreklamo ang Israel laban kay Yahweh at ipinakita niya na siya ay banal. Mula sa Kades, nagpasabi si Moises sa hari ng Edom, “Ito ang ipinapasabi ng bayang Israel na iyong kamag-anak: Hindi kaila sa iyo ang mga kahirapang dinanas namin. Alam mong ang mga ninuno namin ay nagpunta sa Egipto at nanirahan doon nang mahabang panahon, ngunit kami at ang aming mga ninuno ay inapi ng mga Egipcio. Dahil dito, dumaing kami kay Yahweh. Dininig niya kami at isinugo sa amin ang isang anghel na siyang naglabas sa amin mula sa Egipto. At ngayo'y narito kami sa Kades, sa may hangganan ng iyong nasasakupan. Ipinapakiusap kong paraanin mo kami sa iyong lupain. Hindi kami daraan sa alinmang bukirin o ubasan, ni kukuha ng isang patak na tubig sa inyong mga balon. Sa Lansangan ng Hari kami magdaraan at hindi kami lilihis sa kanan o sa kaliwa hanggang hindi kami nakakalampas sa iyong nasasakupan.” Ngunit ganito ang sagot ng mga taga-Edom: “Huwag kayong makadaan-daan sa aming nasasakupan! Kapag kayo'y nangahas, sasalakayin namin kayo.” Sinabi ng mga Israelita, “Hindi kami lilihis ng daan. Sakaling makainom kami o ang aming mga alagang hayop ng inyong tubig, babayaran namin, paraanin lamang ninyo kami.” “Hindi maaari!” sagot ng mga taga-Edom. At tinipon nila ang kanilang buong hukbo upang salakayin ang mga Israelita. Hindi nga pinaraan ng mga taga-Edom sa kanilang nasasakupang lugar ang mga Israelita kaya humanap na lang sila ng ibang daan. Naglakbay ang mga Israelita mula sa Kades at nakarating sa Bundok ng Hor, sa may hanggahan ng lupain ng Edom. Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron, “Mamamatay si Aaron at hindi siya makakapasok sa lupaing ibibigay ko sa Israel sapagkat sinuway ninyo ang utos ko sa inyo sa Meriba. Isama mo siya at ang anak niyang si Eleazar sa itaas ng Bundok ng Hor. Pagdating doon, hubarin mo ang kasuotan niya at isuot mo iyon kay Eleazar. At doon na mamamatay si Aaron.” Ganoon nga ang ginawa ni Moises. Umakyat sila sa bundok habang nakatingin ang buong bayan. Pagdating sa itaas ng bundok, hinubad ni Moises ang kasuotan ni Aaron at isinuot kay Eleazar. Doon ay namatay si Aaron, subalit sina Moises at Eleazar ay bumalik sa kapatagan. Nang malaman ng sambayanan na patay na si Aaron, tatlumpung araw silang nagluksa. Nabalitaan ng hari ng Arad, isang haring Cananeo sa timog, na magdaraan sa Atarim ang mga Israelita. Sinalakay niya ang mga ito at nakabihag ng ilan. Kaya ang mga Israelita'y gumawa ng panata kay Yahweh. Sabi nila, “Tulungan ninyo kaming talunin ang mga taong ito at wawasakin namin ang kanilang mga lunsod para sa iyo.” Dininig naman sila ni Yahweh. Kaya, nang mabihag nila ang mga Cananeo ay winasak nga nila ang lunsod ng mga ito, at tinawag nilang Horma ang lugar na iyon. Mula sa Bundok ng Hor, nagpatuloy ang mga Israelita patungong Dagat na Pula upang iwasan ang Edom. Subalit nainip sila sa pasikut-sikot na paglalakbay. Nagreklamo sila sa Diyos at kay Moises, “Inilabas mo ba kami sa Egipto upang mamatay lamang sa ilang na ito? Wala kaming makain ni mainom! Suyang-suya na kami sa walang kuwentang pagkaing ito.” Dahil dito, pinadalhan sila ni Yahweh ng mga makamandag na ahas at maraming Israelita ang natuklaw ng mga ito at namatay. Kaya, lumapit sila kay Moises. Sinabi nila, “Nagkasala kami kay Yahweh at sa iyo. Ipanalangin mo kami na kanyang paalisin ang mga ahas na ito.” Nanalangin nga si Moises para sa Israel at ganito ang sagot sa kanya ni Yahweh: “Gumawa ka ng isang ahas na tanso. Ilagay mo iyon sa dulo ng isang mahabang kahoy. Sinumang natuklaw ng ahas at tumingin doon ay hindi mamamatay.” Ganoon nga ang ginawa ni Moises. Kaya lahat ng natuklaw ng ahas ay tumitingin sa ahas na tanso at hindi nga namamatay. Ang bayang Israel ay nagpatuloy sa paglalakbay at nagkampo sa Obot. Mula roon, nagtuloy sila sa mga guho ng Abarim, sa ilang na nasa silangan ng Moab. Pag-alis doon, nagpatuloy sila sa Libis ng Zared. Buhat naman dito ay nagtuloy sila sa kabila ng Ilog Arnon, isang lugar na nasa pagitan ng lupain ng mga Amoreo at ng mga Moabita. Kaya natala sa Aklat ng mga Pakikipagdigma ni Yahweh ang ganito: “Parang ipu-ipong sinakop niya ang Waheb at ang kapatagan ng Arnon, at ang kataasan hanggang sa kapatagan ng Ar at sa hangganan ng Moab.” Mula sa Arnon, nagpatuloy sila hanggang sa lugar na tinatawag na Balon. Ang lugar na ito'y tinawag na Balon sapagkat dito sila pinahukay ni Yahweh ng balon para makunan ng tubig. Umawit sila roon ng ganito: “Bumukal ka ng tubig, O balon at sa iyo'y awit ang aming tugon, mga pinuno ang humukay sa iyo na ang gamit ay tungkod at setro.” Mula sa ilang na iyon ay nagtuloy sila sa Matana, nagdaan ng Nahaliel at Bamot. Pag-alis doo'y nagtuloy sila sa isang kapatagang sakop din ng Moab, sa tuktok ng Pisga na nakaharap sa ilang. Ang mga Israelita'y nagsugo kay Haring Sihon, isang Amoreo. Ipinasabi nila, “Maaari po bang makiraan kami sa inyong lupain? Hindi po kami daraan sa alinmang bukirin o ubasan, ni iinom sa inyong balon. Sa Lansangan ng Hari po kami daraan hanggang sa makalampas kami sa inyong nasasakupan.” Subalit hindi sila pinahintulutan ni Haring Sihon; sa halip, tinipon niya ang kanyang hukbo at sinalakay ang mga Israelita sa Jahaz. Ngunit nagwagi ang mga Israelita at nasakop ang kanyang lupain, mula sa Ilog Arnon hanggang Jabok, sa may hangganan ng Ammon. Matitibay ang mga kuta ng Ammon. Sinakop ng mga Israelita ang mga lunsod ng mga Amoreo, pati ang Lunsod ng Hesbon at ang mga bayang sakop nito. Pagkatapos, sila na ang nanirahan sa mga lunsod na ito ng mga Amoreo. Ang Hesbon ang siyang punong-lunsod ni Haring Sihon na lumupig sa hari ng Moab at sumakop sa lupain nito hanggang Ilog Arnon. Kaya ang sabi ng mga mang-aawit, “Halikayo sa Hesbon at muling itayo ang lunsod ni Sihon. Mula sa Hesbon na lunsod ni Sihon, lumabas na parang apoy ang kanyang hukbo. Tinupok nito ang lunsod ng Ar sa Moab, at nilamon ang kaburulan ng Arnon. Kawawa ka, Moab, sapagkat ito na ang iyong wakas! Kawawa ka, bayan ng diyos na si Cemos! Ang mga anak mong lalaki ay hinayaan niyang maging pugante. Ang mga anak mong babae ay nabihag ni Sihon na hari ng mga Amoreo. Napuksa pati ang mga sanggol mula sa Hesbon hanggang sa Dibon, mula sa Nasim hanggang sa Nofa na malapit sa Medeba.” Nanirahan nga ang mga Israelita sa lupaing nakuha nila sa mga Amoreo. Pagkatapos, si Moises ay nagsugo ng mga espiya sa Jazer, at nasakop din nila ito pati ang mga karatig-bayan nito. Pinalayas din nila ang mga Amoreo roon. Hinarap naman nila ang Bashan, ngunit nilabanan sila ni Haring Og sa Edrei. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Huwag kang matakot sapagkat ipapalupig ko siya sa iyo. Magagawa mo sa kanya ang ginawa mo kay Haring Sihon ng Hesbon.” Napatay nga nila si Og, ang mga anak nito at ang lahat ng kababayan nito, wala silang itinirang buháy. Sinakop nila ang lupaing iyon. Nagpatuloy ng paglalakbay ang mga Israelita at nagkampo sila sa kapatagan ng Moab, sa gawing silangan ng Jordan, sa tapat ng Jerico. Ang lahat ng ginawa ng mga Israelita sa mga Amoreo ay hindi lingid kay Haring Balac na anak ni Zippor. Ngunit hindi siya makakilos laban sa mga Israelita sapagkat napakarami ng mga ito. Natakot sa mga Israelita ang mga Moabita sapagkat lubhang napakarami ng mga Israelita. Kaya sinabi nila sa pinuno ng Midian, “Uubusin ng mga taong ito ang mga bayan sa paligid natin, tulad ng pag-ubos ng baka sa sariwang damo.” At nagsugo si Haring Balac kay Balaam na anak ni Beor, sa bayan ng Petor, sa may Ilog Eufrates sa lupain ng mga Amaw. Ganito ang kanyang ipinasabi: “May isang sambayanang dumating buhat sa Egipto. Nasakop na nila ang mga bansa sa paligid namin. Malapit na sila ngayon sa aking lupain. Napakarami nila. Magpunta ka agad dito at sumpain mo sila. Siguro malulupig ko sila pagkatapos mong sumpain sapagkat alam kong pinagpapala ang binabasbasan mo at minamalas naman ang mga isinusumpa mo.” Nagpunta ang mga pinuno ng Moab at ng Midian kay Balaam na dala ang pambayad para sumpain nito ang Israel. Sinabi nila ang ipinapasabi ni Balac. Ito ang tugon ni Balaam: “Dito na kayo matulog ngayong gabi para masabi ko agad sa inyo ang anumang sasabihin sa akin ni Yahweh.” At doon nga sila natulog. Itinanong ng Diyos kay Balaam, “Sino ba 'yang mga taong kasama mo?” Sumagot si Balaam, “Mga sugo po ni Haring Balac ng Moab na anak ni Zippor. Gusto niyang sumpain ko ang sambayanang galing sa Egipto sapagkat nasakop na ng mga ito ang halos lahat ng lupain sa paligid. Baka raw po sa ganoong paraan niya maitaboy sa malayo ang mga iyon.” Sinabi ng Diyos kay Balaam, “Hindi ka dapat sumama sa mga taong iyan. Huwag mong sumpain ang mga taong tinutukoy nila sapagkat pinagpala ko ang mga iyon.” Kinaumagahan, sinabi ni Balaam sa mga panauhin niya, “Umuwi na kayo. Ayaw akong pasamahin ni Yahweh sa inyo.” Umuwi nga ang mga pinuno at sinabi kay Haring Balac na ayaw sumama sa kanila ni Balaam. Kaya't nagsugong muli si Balac ng mas marami at kagalang-galang na mga pinuno kay Balaam. Pagdating doon, sinabi nila, “Ipinapasabi ni Balac na huwag kang mag-atubili sa pagpunta sa kanya. Pagdating mo raw doon, pararangalan ka niyang mabuti at ibibigay sa iyo ang anumang magustuhan mo, sumpain mo lamang ang mga Israelita.” Ang sagot ni Balaam, “Ibigay man sa akin ni Balac ang lahat ng ginto't pilak sa kanyang palasyo, kahit kaunti'y hindi ko maaaring suwayin ang utos sa akin ni Yahweh na aking Diyos. Gayunman, dito na kayo magpalipas ng gabi para malaman natin kung ano pa ang sasabihin sa akin ni Yahweh.” Kinagabihan, lumapit ang Diyos kay Balaam at sinabi sa kanya, “Sumama ka sa kanila ngunit ang ipinapasabi ko lamang sa iyo ang sasabihin mo.” Kinabukasan ng umaga, inihanda ni Balaam ang kanyang asno at sumama sa mga pinuno ni Balac, kasama ang dalawa niyang utusan. Nagalit ang Diyos dahil sa pangyayaring ito kaya't hinadlangan ng anghel ni Yahweh ang daraanan ni Balaam. Nakatayo sa daan ang anghel, hawak ang kanyang tabak. Nang makita ng asno ang anghel, lumihis ito ng daan at nagpunta sa bukirin. Kaya, pinalo ito ni Balaam at pilit na ibinabalik sa daan. Ang anghel naman ni Yahweh ay tumayo sa makitid na daan sa pagitan ng ubasan at ng pader. Nang makita siya ng asno, sumiksik ito sa pader at naipit ang paa ni Balaam. Kaya't muli itong pinalo ni Balaam. Ngunit ang anghel ay humarang muli sa lugar na wala nang malilihisan ang asno. Nang makita na naman siya ng asno, nahiga na lamang ito. Kaya, nagalit si Balaam at muling pinalo ang asno. Ngunit pinagsalita ni Yahweh ang asno. Itinanong nito kay Balaam, “Ano bang kasalanan ko sa iyo? Bakit tatlong beses mo na akong pinapalo?” Sinabi ni Balaam sa asno, “Pinalo kita sapagkat ginagawa mo akong hangal. Kung may tabak lang ako, baka napatay na kita.” Sinabi ng asno kay Balaam, “Hindi ba't ako ay iyong asno at sa simula pa'y ako lang ang sinasakyan mo? Ginawa ko na ba ito sa iyo?” “Hindi!” sagot ni Balaam. Sa sandaling ito'y ipinakita ni Yahweh kay Balaam ang anghel na nakatayo sa daan at may hawak pa ring tabak. Kaya't nagpatirapa si Balaam. Tinanong siya ng anghel ni Yahweh, “Bakit tatlong beses mo nang pinalo ang iyong asno? Sadyang humaharang ako sa daan sapagkat mali ang binabalak mong gawin. Tuwing makikita ako ng asno mo ay lumilihis ito. Pangatlong beses na niyang ginagawa ito. Kung hindi siya lumihis baka napatay na kita, ngunit siya'y hindi ko sasaktan.” Sinabi ni Balaam sa anghel, “Nagkasala ako. Hindi ko alam na nakatayo kayo sa aking daraanan. Babalik na ako kung hindi ayon sa inyong kalooban ang lakad kong ito.” Sumagot ang anghel, “Huwag ka nang bumalik. Sumama ka sa kanila ngunit ang sinabi ko sa iyo ang sabihin mo sa kanila.” At sumama si Balaam sa mga sugo ni Balac. Nang malaman ni Balac na dumarating si Balaam, sinalubong niya ito sa lunsod ng Ar sa may Ilog Arnon sa may hangganan ng Moab. Sinabi niya kay Balaam, “Kailangang-kailangan kita kaya kita ipinatawag. Bakit ngayon ka lang? Akala mo ba'y hindi kita kayang gantimpalaan?” Sumagot si Balaam, “Naparito nga ako ngunit wala akong maaaring sabihin liban sa ipinapasabi sa akin ng Diyos.” At sila'y magkasamang nagpunta sa lunsod ng Huzot. Pagdating doon, si Balac ay naghandog ng baka at tupa. Pagkatapos, pinakain niya si Balaam at ang mga pinunong kasama nila. Kinabukasan, isinama ni Balac si Balaam sa Bamot-Baal kung saan ay abot-tanaw na ang ilang mga Israelita. Sinabi ni Balaam kay Balac, “Magpagawa ka rito ng pitong altar at magdala ka rito ng pitong toro at pitong tupa.” Ganoon nga ang ginawa ni Balac. At silang dalawa ay naghandog ng isang toro at isang lalaking tupa sa bawat altar. Sinabi ni Balaam kay Balac, “Bantayan mo ang mga handog na ito. Aalis muna ako at baka sakaling makipagkita na sa akin si Yahweh. Anumang sabihin niya sa akin ay sasabihin ko sa iyo.” At nagpunta siyang mag-isa sa tuktok ng isang burol. Nakipagkita nga kay Balaam ang Diyos. Sinabi ni Balaam, “Nagpagawa po ako ng pitong altar at bawat isa'y pinaghandugan ko ng isang toro at isang lalaking tupa.” May sinabi kay Balaam si Yahweh. Pagkatapos, pinabalik ito kay Balac. Nadatnan niya si Balac at ang mga pinuno sa paligid ng handog na sinusunog. Sinabi ni Balaam, “Mula sa Aram, sa bulubundukin sa silangan, ipinatawag ako ni Balac na hari ng Moab. Ang sabi niya sa akin, ‘Halika't ang bansa ni Jacob ay iyong sumpain. Halika't itakwil mo ang bansang Israel!’ Ang pinagpala ng Diyos ay paano ko susumpain? Ang binasbasan ni Yahweh, paano ko nga itatakwil? Mula sa tuktok ng mga bundok sila'y aking natatanaw, nakikita ko silang lahat mula sa kaburulan. Sila'y isang bansang namumuhay na mag-isa, alam nilang sila'y mapalad kaysa mga iba! Ang lahi ni Jacob, alabok ang kagaya; kung ang Israel ay bilangin, ito ba'y makakaya? Mamatay nawa akong gaya ng anak ng Diyos; sa kapayapaan ng matuwid, buhay ko nawa'y matapos!” Itinanong ni Balac kay Balaam, “Bakit ganyan ang ginagawa mo? Di ba't tinawag kita para sumpain ang aking mga kaaway? Ngunit sa halip ay binabasbasan mo pa sila!” Sumagot siya, “Hindi maaaring di ko sabihin ang ipinapasabi ni Yahweh.” Sinabi sa kanya ni Balac, “Pumunta tayo sa ibang lugar, sa lugar na hindi mo makikita ang lahat ng mga Israelita. Doon mo sila sumpain.” At nagpunta sila sa bukirin ni Zofim, sa taluktok ng Pisga. Nagpagawa sila roon ng pitong altar at bawat isa'y hinandugan ng tig-iisang toro at tig-iisang tupa. Sinabi ni Balaam kay Balac, “Dito ka lang sa may mga handog na sinusunog at pupunta ako sa dako roon para makipagkita kay Yahweh.” Pagkalayo niya nang kaunti, nagpakita si Yahweh sa kanya at sinabi kung ano ang dapat niyang sabihin kay Balac. Pagbalik niya, nakita niya si Balac at ang mga pinunong kasama nito na nakatayo sa paligid ng handog. Tinanong siya ni Balac, “Ano ang sabi ni Yahweh?” Sinabi ni Balaam, “Makinig ka, Balac, dinggin mo ako, anak ni Zippor, may sasabihin ako sa iyo: Ang Diyos ay di sinungaling na tulad ng tao. Anumang sabihin niya'y kanyang gagawin, kung mangako man siya, ito'y kanyang tutuparin. Ang utos sa akin, sila'y pagpalain; ang pagpapala ng Diyos, di ko kayang bawiin. Sa Israel ay wala akong makitang kasawian, sa kanila ay wala ring kapahamakan. Ang Diyos nilang si Yahweh ang kanilang kasama, ipinapahayag nilang siya ang hari nila. Ang Diyos ang naglabas sa kanila sa Egipto, sila'y ipinaglaban niya nang tulad sa mailap na toro. Si Jacob ay hindi makakayang kulamin, ang Israel ay hindi maaaring sumpain. Tungkol sa Israel, ito ang sasabihin ng mga tao: ‘Ito ang gawa ng Diyos at pagmasdan ninyo!’ Ang Israel ay kasinlakas ng isang leon, hindi tumitigil hanggang kaaway ay di nalalamon at hanggang ang dugo nito ay di niya naiinom.” Sinabi ni Balac kay Balaam, “Kung ayaw mo silang sumpain, huwag mo naman sanang pagpalain.” Ngunit ang sagot ni Balaam, “Hindi ba't sinabi ko na sa iyong gagawin ko lamang ang lahat ng sinabi sa akin ni Yahweh?” Sinabi ni Balac, “Halika. Lumipat tayo ng lugar at baka ipahintulot na ng Diyos na sumpain mo roon ang mga Israelita.” At magkasama silang nagpunta sa tuktok ng Peor, kung saan natatanaw nila ang ilang. Sinabi ni Balaam kay Balac, “Magpagawa ka rito ng pitong altar at magpakuha ng pitong toro at pitong tupa.” Gayon nga ang ginawa ni Balac. Bawat altar ay hinandugan niya ng tig-iisang toro at tig-iisang lalaking tupa. Nang matiyak ni Balaam na talagang gusto ni Yahweh na basbasan niya ang Israel, hindi na siya humanap ng palatandaan tulad ng dati. Tumanaw siya sa ilang at nakita niya ang kampo ng Israel, sama-sama bawat lipi. Nilukuban siya ng Espiritu ng Diyos at siya'y nagsalita, “Ang pahayag ni Balaam na anak ni Beor, ang pahayag ng taong may malinaw na paningin. Ang pahayag ng nakikinig sa mga salita ng Diyos, at nakakakita ng pangitain buhat sa Makapangyarihan. Kahit nabulagta sa lupa ngunit nanatiling malinaw ang paningin. Anong ganda, O Jacob, ng iyong mga tolda; kay inam, O Israel, ng iyong mga tirahan. Wari'y napakalawak na libis, parang hardin sa tabi ng batis. Wari'y punongkahoy na mabango, itinanim ni Yahweh, matataas na punong sedar sa tabi ng mga bukal. Ang tubig ay aapaw sa lahat niyang sisidlan, kapangyarihan niya'y madarama sa lahat ng lugar. Ang hari niya ay magiging mas malakas kaysa kay Agag, at ang kanyang kaharian ay magiging napakalawak. Inilabas siya ng Diyos sa bansang Egipto; ang lakas na ginamit niya'y waring lakas ng toro. Kaaway niya'y lulupigin pati buto'y dudurugin; sa tulis ng kanyang pana, lahat sila'y tutuhugin. Siya'y parang leon sa kanyang higaan, walang mangahas gumambala sa kanyang pagkahimlay. Pagpalain nawa ang sa iyo ay nagpapala; susumpain ang lahat ng sa iyo ay susumpa.” Galit na galit si Balac kay Balaam. Nanggigil siya sa galit at kanyang sinabi, “Ipinatawag kita upang sumpain ang aking mga kaaway. Ngunit anong ginawa mo? Tatlong beses mo pa silang binasbasan! Mabuti pa'y umuwi ka na! Pararangalan sana kita pero hinadlangan iyon ni Yahweh.” Sinabi ni Balaam kay Balac, “Sinabi ko na sa iyong mga sugo na kahit ibigay mo sa akin ang lahat ng pilak at ginto sa iyong sambahayan ay hindi ko gagawin ang hindi ipinagagawa sa akin ni Yahweh. Sinabi ko rin sa kanila na ang sasabihin lamang sa akin ni Yahweh ang siya kong sasabihin.” “Oo, uuwi ako. Ngunit sasabihin ko muna sa iyo kung ano ang gagawin sa inyo ng bayang ito balang araw.” Muli siyang nagsalita, “Ang pahayag ni Balaam na anak ni Beor, ang mensahe ng taong may malinaw na paningin. Ang pahayag ng isang taong nakikinig sa salita ng Diyos, ng nakakaalam ng kalooban ng Kataas-taasang Diyos, ng nakakakita ng pangitain buhat sa Makapangyarihan. Kahit nabuwal sa lupa'y malinaw pa rin ang aking paningin. Mayroon akong nakikita ngunit hindi pa ngayon magaganap, nakikita ko ngayon ang mangyayari sa hinaharap. Mula sa lahi ni Jacob ay lilitaw ang isang bituin, sa lahi ni Israel ay may maghahari rin. Mga pinuno ni Moab ay kanyang lilipulin, lahat ng mga anak ni Set ay kanyang pababagsakin. Sasakupin niya ang Edom at ang mga kaaway niya sa Seir, samantala'y patuloy na magwawagi ang bansang Israel. Lulupigin silang lahat nitong bansang Israel, ang natitirang buháy sa mga lunsod ay kanilang uubusin.” Nang makita niya sa pangitain ang Amalek ay ganito ang sinabi niya: “Ang Amalek ay bansang pangunahin, ngunit sa huli, siya ay lilipulin.” Sinabi pa niya nang makita sa pangitain ang mga Cineo: “Tirahan mo ay matibay at matatag. Gayunman, ang bansang Cineo ay parang pugad na nasa mataas. Di magtatagal, bibihagin ka ni Asur.” Nagpatuloy siya sa kanyang pahayag, “Sino'ng maaaring mabuhay kapag ito'y isinagawa ng Diyos? Darating ang mga barko, mula sa Kitim upang kanilang lusubin si Asur at si Eber, ngunit sa bandang huli, siya'y malulupig din.” Pagkatapos, si Balaam ay umuwi na, at ganoon din si Balac. Samantalang nakahimpil sa Sitim ang Israel, ang mga kalalakihan nila'y nakipagtalik sa mga babaing Moabita na naroroon. Inanyayahan sila ng mga ito sa paghahandog nila sa mga diyus-diyosan. Ang mga Israelita'y nakikain sa mga atang na iyon at sumamba rin sa mga diyus-diyosan doon. Sumali sa pagsamba kay Baal-peor ang mga Israelita kaya nagalit sa kanila si Yahweh. Sinabi niya kay Moises, “Tipunin mo ang mga pinuno ng Israel at patayin mo sila sa harap ng madla para mapawi ang galit ko sa Israel.” Iniutos ni Moises sa mga hukom ng Israel, “Patayin ninyo ang lahat ng kasamahan ninyong sumamba kay Baal-peor.” Samantalang si Moises at ang buong bayan ay nananangis sa harap ng Toldang Tipanan, dumating ang isang Israelita. May kasama itong Midianita, at hayagang ipinasok sa kanyang tolda. Nang makita ito ni Finehas na anak ni Eleazar at apo ni Aaron, umuwi siya at kumuha ng sibat. Sinundan niya sa tolda ang Israelitang may kasamang Midianita at tinuhog silang dalawa ng sibat. Dahil dito, tumigil ang salot na sumasalanta sa Israel. Gayunman, dalawampu't apat na libo na ang namatay sa salot na iyon. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Dahil sa ginawa ni Finehas, pinahalagahan niya ang aking karangalan. Kaya, hindi ko nilipol ang mga Israelita dahil sa aking galit. Sabihin mo sa kanyang ako'y gumagawa ng isang kasunduan sa kanya; ipinapangako kong hindi ko siya pababayaan kailanman. Mananatili ang walang katapusang pagkapari sa kanya at sa kanyang angkan sapagkat ipinagtanggol niya ang aking karangalan, at ginawa niya ang pagtubos sa kasalanan ng sambayanang Israel.” Ang Israelitang nagsama ng Midianita at napatay ni Finehas ay si Zimri na anak ni Salu at isa sa mga pinuno ng angkan sa lipi ni Simeon. Ang Midianita naman ay si Cozbi na anak ni Zur, na isa sa mga pinuno ng angkan sa Midian. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Salakayin ninyo ang mga Midianita at puksain sila dahil sa kasamaang ginawa nila sa inyo nang akitin nila kayong sumamba sa mga diyus-diyosan sa Peor, at sa ginawa ng kababayan nilang si Cozbi na pinatay ni Finehas noong sinasalanta kayo ng salot sa Peor.” Pagkalipas ng salot, sinabi ni Yahweh kina Moises at Eleazar na anak ni Aaron, “Magsagawa ka ng isang sensus. Bilangin at ilista ninyo ang pangalan ng mga Israelita na maaaring isama sa hukbo upang makipagdigma, mula sa gulang na dalawampung taon pataas.” Dahil dito, tinipon nila ang mga pinuno sa kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan, sa tapat ng Jerico. Binilang at inilista ang mga Israelita tulad ng iniutos ni Yahweh kay Moises. Ito ang listahan ng mga Israelitang umalis sa Egipto: Sa lipi ni Ruben na panganay ni Israel ay ang mga angkan nina Hanoc, Fallu, Hesron at Carmi. Ang mga angkang ito ang bumubuo sa lipi ni Ruben. Silang lahat ay 43,730. Ang anak ni Fallu ay si Eliab at ang mga anak ni Eliab ay sina Nemuel, Datan at Abiram. Sina Datan at Abiram, kasama ng pangkat ni Korah, ang nagpasimuno sa mga Israelita ng paghihimagsik laban kina Moises at Aaron, at kay Yahweh. Si Korah naman at ang kanyang 250 kasama ang nilamon ng lupa. Ang mga pangyayaring ito ay nagsilbing babala sa buong bayan. Gayunma'y hindi kasamang namatay ang mga anak ni Korah. Sa lipi naman ni Simeon ay ang mga angkan nina Nemuel, Jamin, Jaquin, Zera at Saul. Ang kabuuang bilang ng lipi ni Simeon ay 22,200. Sa lipi ni Gad ay ang mga angkan nina Zefon, Hagui, Suni, Ozni, Eri, Arod at Areli. Ang kabuuang bilang ng lipi ni Gad ay 40,500. Sa lipi naman ni Juda, hindi kabilang sina Er at Onan na namatay sa Canaan, ay ang mga angkan nina Sela, Fares, Zara, Hezron at Hamul. Ang kabuuang bilang sa lipi ni Juda ay 76,500. Sa lipi ni Isacar ay ang mga angkan nina Tola, Pua, Jasub at Simron. Lahat-lahat sa lipi ni Isacar ay 64,300. Sa lipi ni Zebulun ay ang mga angkan nina Sered, Elon at Jahleel. Silang lahat ay 60,500. Sa lipi ni Jose na may dalawang anak ay ang mga angkan nina Manases at Efraim. Sa lipi ni Manases ay ang angkan ni Maquir at ang anak nitong si Gilead. Ang angkan ni Gilead ay binubuo ng mga sambahayan nina Jezer, Helec, Asriel, Shekem, Semida, at Hefer. Si Zelofehad na anak ni Hefer ay hindi nagkaanak ng lalaki, kundi panay babae: sina Maala, Noa, Hogla, Milca at Tirza. Lahat-lahat sa angkan ni Manases ay 52,700. Sa lipi ni Efraim ay ang mga angkan nina Sutela, Bequer, at Tahan. Ito naman ang bumubuo sa angkan ni Sutela: si Eran at ang kanyang sambahayan. Ang kabuuang bilang sa lipi ni Efraim ay 32,500. Ito ang mga angkang nagmula sa lipi ni Jose. Sa lipi ni Benjamin ay ang mga angkan nina Bela, Asbel, Ahiram, Sufam, at Hufam. Ang bumubuo sa angkan ni Bela ay ang mga sambahayan nina Ard at Naaman. Lahat-lahat sa lipi ni Benjamin ay 45,600. Sa lipi ni Dan ay ang angkan ni Suham na ang kabuuang bilang ay 64,400. Sa lipi ni Asher ay ang mga angkan nina Imna, Isvi, at Beria. Ang angkan ni Beria ay binubuo ng mga sambahayan nina Heber at Malquiel. Si Asher ay may anak na babae na nagngangalang Sera. Lahat-lahat sa lipi ni Asher ay 53,400. Sa lipi ni Neftali ay ang mga angkan nina Jahzeel, Guni, Jezer at Silem. Lahat-lahat sa lipi ni Neftali ay 45,400. Ang kabuuang bilang ng mga Israelita ay 601,730. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Hatiin mo ang lupain ayon sa laki ng bawat lipi. Malaki ang kaparte ng malaking lipi at maliit ang sa maliit na lipi. Ang kaparte ng bawat lipi ay ayon sa dami ng kanyang bilang. Ang lupain ay hahatiin sa pamamagitan ng palabunutan, sa pangalan ng bawat lipi. Ang pagtatakda ng kaparte ng bawat lipi ay dadaanin sa palabunutan.” Ang lipi naman ni Levi ay binubuo ng mga angkan nina Gershon, Kohat, at Merari. Kabilang din sa liping ito ang mga sambahayan ni Libni, Hebron, Mahli, Musi at Korah. Si Kohat ang ama ni Amram, na napangasawa ni Jocebed na kabilang din sa lipi ni Levi. Isinilang si Jocebed sa Egipto. Naging anak nila sina Aaron, Moises at Miriam. Naging anak naman ni Aaron sina Nadab, Abihu, Eleazar at Itamar. Sina Nadab at Abihu ay namatay nang sila'y gumamit ng apoy na di karapat-dapat kay Yahweh. Lahat-lahat, ang natala sa lipi ni Levi ay 23,000, mula sa gulang na isang buwan pataas. Sila'y hindi kabilang sa talaan ng Israel sapagkat hindi sila kasama sa paghahati ng lupain. Ito ang mga Israelitang binilang at inilista ni Moises at ng paring si Eleazar sa kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan, sa may tapat ng Jerico. Dito'y walang kasama isa man sa mga Israelitang itinala nina Moises at Aaron noong sila'y nasa Bundok ng Sinai. Ang mga ito'y namatay, liban kina Caleb na anak ni Jefune at Josue na anak ni Nun, tulad ng sinabi ni Yahweh. Sina Maala, Noa, Hogla, Milca at Tirza ay mga anak na babae ni Zelofehad. Si Zelofehad ay anak ni Gilead na anak ni Maquir, na anak ni Manases, na anak naman ni Jose. Lumapit ang mga babaing ito kay Moises, sa paring si Eleazar, at sa mga pinuno ng Israel sa harap ng Toldang Tipanan. Sinabi nila, “Ang aming ama ay namatay sa ilang. Hindi nga siya kasamang namatay sa pangkat ni Korah na naghimagsik laban kay Yahweh, subalit namatay naman siya dahil sa sarili niyang kasalanan. Namatay siyang hindi nagkaanak ng lalaki. Dahil ba sa wala siyang anak na lalaki ay buburahin na ninyo siya sa listahan ng Israel? Bigyan ninyo kami ng kaparteng lupa tulad ng mga kamag-anak ng aming ama.” Ang usaping ito'y iniharap ni Moises kay Yahweh, at ganito ang sagot ni Yahweh, “Tama ang mga anak ni Zelofehad. Dapat magkaroon ng kaparte ang kanilang ama. Ang mana niya ay ibigay mo sa kanyang mga anak. At sabihin mo sa mga Israelita na kapag ang isang tao'y namatay na walang anak na lalaki, ang mana niya ay ibibigay sa mga anak na babae. Kung wala ring anak na babae, ang kaparte niya ay ibibigay sa kanyang mga kapatid. Kung wala siyang kapatid na lalaki ay ibibigay sa kanyang mga tiyo at kung wala pa rin siyang tiyo, ang mana'y ibibigay sa pinakamalapit niyang kamag-anak. Ito ay mananatiling tuntunin sa Israel. Akong si Yahweh ang nagtakda nito bilang kautusan at tuntuning susundin ninyo.” Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Umakyat ka sa Bundok ng Abarim at tanawin mo ang lupaing ibibigay ko sa mga Israelita. Pagkatapos, mamamatay ka na. Makakapiling mo na ang iyong mga yumaong magulang, tulad ng nangyari kay Aaron na iyong kapatid. Sumuway ka rin sa akin sa ilang ng Zin nang maghimagsik sa akin ang buong sambayanan doon sa Meriba. Hindi mo pinakita sa mga Israelita doon sa may bukal na ako ay banal.” (Ito ang bukal doon sa Meriba sa Kades na nasa ilang ng Zin.) Sinabi ni Moises, “Hinihiling ko, Yahweh, Diyos na bukal ng buhay, na pumili kayo ng isang taong mangunguna sa Israel upang ang iyong sambayanan ay hindi matulad sa mga tupang walang pastol.” Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ipatawag mo si Josue na anak ni Nun; siya ay may natatanging kakayahan. Ipatong mo sa kanya ang iyong mga kamay. Patayuin mo siya sa harapan ng paring si Eleazar at ng buong Israel at doo'y ipahayag mo siya bilang iyong kahalili. Bigyan mo siya ng iyong kapangyarihan upang sundin siya ng buong Israel. Kay Eleazar niya malalaman sa pamamagitan ng Urim kung ano ang aking kalooban. Kung ano ang sabihin ni Eleazar ay susundin ng buong kapulungan.” Sinunod ni Moises ang lahat ng sinabi ni Yahweh. Ipinatawag nga niya si Josue, pinatayo sa harapan ni Eleazar at ng buong bayan. Pagkatapos, ipinatong niya rito ang kanyang mga kamay at ipinahayag na kahalili niya. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita na sila'y mag-alay sa akin ng mga handog na pagkaing butil, handog na susunugin, at mababangong handog sa takdang panahon. “Ito ang ihahandog nila sa akin araw-araw bilang handog na susunugin: dalawang tupa na tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan; isa sa umaga at isa sa hapon. Ito'y sasamahan ng kalahating salop ng harina at minasa sa isang litrong langis ng olibo. Ito ang pang-araw-araw ninyong handog na susunugin tulad ng sinabi ko sa inyo sa Bundok ng Sinai, isang mabangong handog sa akin. Samahan ninyo ito ng isang litrong handog na inumin na inyong ibubuhos sa Dakong Banal para sa akin. Ang isa pang tupa ay ihahandog nga sa hapon at sasamahan din ng handog na pagkaing butil at handog na inumin, tulad ng handog sa umaga, upang ang usok nito'y maging mabangong samyo para sa akin. “Tuwing Araw ng Pamamahinga, dalawang lalaking tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan ang inyong ihahandog. Sasamahan din ito ng handog na pagkaing butil at handog na inumin. Ang handog na pagkaing butil ay isang salop na harina at minasa sa langis ng olibo. Ito ay ihahandog ninyo tuwing Araw ng Pamamahinga, bukod sa pang-araw-araw ninyong handog. “Tuwing unang araw ng buwan, ito naman ang ihahandog ninyo: dalawang batang toro, isang lalaking tupa at pitong batang tupa na walang kapintasan. Ang handog na pagkaing butil ay isa't kalahating salop ng harinang minasa sa langis para sa bawat toro; isang salop para sa isang tupa, at kalahating salop naman sa bawat batang tupa. Ito ay handog na susunugin, isang mabangong samyo para sa akin. Ang inuming handog naman ay dalawang litro para sa bawat toro, 1 1/3 litro sa bawat lalaking tupa at isang litro naman sa bawat batang tupa. Ito ang buwanan ninyong handog. Bukod sa pang-araw-araw na handog na susunugin at handog na pagkain, maghahandog pa rin kayo ng isang kambing na lalaki para sa kasalanan. “Ang ika-14 na araw ng unang buwan ay Pista ng Paskwa ni Yahweh. Ang ika-15 araw ang simula ng pista, at pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa. Sa unang araw, magdaraos kayo ng banal na pagpupulong. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon. Sa halip, magdala kayo ng handog na susunugin. Ito ang ihahandog ninyo: dalawang batang toro, isang lalaking tupa at pitong tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. Ito'y sasamahan ninyo ng handog na pagkaing butil: isa't kalahating salop ng harina na minasa sa langis para sa bawat toro, isang salop sa bawat lalaking tupa at kalahating salop sa bawat batang tupa. Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa katubusan ng kasalanan ng bayan. Ang mga ito'y ihahandog ninyo bukod pa sa pang-araw-araw na handog. Sa loob ng pitong araw, iyan ang mga handog na inyong susunugin, isang mabangong samyo para sa akin. Ito'y inyong gagawin maliban pa sa pang-araw-araw na handog na sinusunog at sa inuming handog. Sa ikapitong araw, magdaraos muli kayo ng banal na pagpupulong. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon. “Sa unang araw ng Pista ng Pag-aani, magdaraos din kayo ng banal na pagpupulong at doon ninyo ihahandog ang unang ani ng inyong mga bukid. Huwag din kayong magtatrabaho sa araw na iyon. Sa halip, mag-alay kayo ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo kay Yahweh. Ito ang inyong ihahandog: dalawang batang toro, isang lalaking tupa, at pitong batang tupa. Sasamahan ninyo ito ng handog na pagkaing butil: isa't kalahating salop ng harina na minasa sa langis ng olibo para sa bawat toro, isang salop para sa bawat lalaking tupa at kalahating salop para sa bawat batang tupa. Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa katubusan ng kasalanan ng bayan. Ito'y ihahandog ninyo, kasama ng handog na inumin, bukod sa pang-araw-araw na handog na susunugin at handog na pagkaing butil. Kinakailangang ang mga ito'y walang kapintasan. “Sa unang araw ng ikapitong buwan, magdaraos kayo ng banal na pagpupulong, at huwag kayong magtatrabaho. Sa araw na iyon ay hipan ninyo ang mga trumpeta. Mag-alay kayo ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo para sa akin. Ihandog ninyo ang isang batang toro, isang lalaking tupa at pitong walang kapintasang tupa na tig-iisang taon pa lamang. Samahan ninyo ito ng handog na pagkaing butil: isa't kalahating salop ng harinang minasa sa langis para sa toro, isang salop para sa tupa, at kalahating salop para naman sa bawat batang tupa. Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa katubusan ng inyong mga kasalanan. Ang mga handog na ito'y bukod pa sa mga handog na susunugin, at handog na pagkaing butil at inumin sa bagong buwan, at sa araw-araw. Ito'y susunugin ninyo upang ang usok nito'y maging mabangong samyo kay Yahweh. “Sa ika-10 araw ng ikapitong buwan, magdaraos din kayo ng banal na pagpupulong. Huwag kayong kakain ni magtatrabaho sa araw na iyon. Sa halip, mag-alay kayo ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo para kay Yahweh. Ihandog ninyo ang isang batang toro, isang lalaking tupa at pitong tig-iisang taóng tupa na pawang walang kapintasan. Sasamahan ninyo ito ng handog na pagkaing butil: isa't kalahating salop ng harina na minasa sa langis para sa toro, isang salop naman para sa tupang lalaki at kalahating salop naman para sa bawat tupa. Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito ay bukod pa sa pang-araw-araw na handog para sa kapatawaran ng kasalanan, handog na susunugin, at handog na pagkaing butil at inumin. “Sa ika-15 araw ng ikapitong buwan, magdaraos din kayo ng banal na pagpupulong. Huwag kayong magtatrabaho sa araw na iyon at pitong araw kayong magpipista bilang parangal kay Yahweh. Kayo'y magdala ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo para kay Yahweh. Sa unang araw, ihahandog ninyo ang labing-tatlong batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. Sasamahan din ninyo ito ng handog na pagkaing butil: isa't kalahating salop ng harina na minasa sa langis para sa bawat toro, isang salop para sa bawat lalaking tupa at kalahating salop naman para sa bawat tupa. Sasamahan din ninyo ito ng nakatakdang handog na inumin. Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na handog. “Sa ikalawang araw, ang ihahandog ninyo'y labindalawang batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. Sasamahan ito ng handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw. Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog. “Sa ikatlong araw, ang ihahandog ninyo'y labing-isang batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. Sasamahan din ito ng handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw. Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog. “Sa ikaapat na araw, ang ihahandog ninyo'y sampung batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. Sasamahan ninyo ito ng handog na pagkaing butil at inuming gaya ng nakatakda para sa unang araw. Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog. “Sa ikalimang araw, ang ihahandog ninyo'y siyam na batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. Sasamahan ninyo ito ng mga handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw. Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog. “Sa ikaanim na araw, ang ihahandog ninyo'y walong batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. Sasamahan ninyo ito ng mga handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw. Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog. “Sa ikapitong araw, ang ihahandog ninyo'y pitong batang toro, dalawang lalaking tupa at labing-apat na tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. Sasamahan din ninyo ito ng mga handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw. Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog. “Sa ikawalong araw, magdaos kayo ng banal na pagpupulong at huwag kayong magtatrabaho. Sa araw na iyon, mag-aalay kayo ng handog na susunugin; handog na mabangong samyo para kay Yahweh. Ito ang inyong ihahandog: isang batang toro, isang lalaking tupa at pitong tupang tig-iisang taóng gulang at walang kapintasan. Ito'y sasamahan ninyo ng handog na pagkaing butil at inumin gaya ng nakatakda para sa unang araw. Maghahandog din kayo ng isang kambing na lalaki para sa kapatawaran ng kasalanan ng bayan. Ito'y bukod pa sa pang-araw-araw na mga handog. “Ang mga nabanggit ay ihahandog ninyo kay Yahweh tuwing ipagdiriwang ang mga takdang pista, bukod sa mga panatang handog, kusang-loob na handog, handog na susunugin, handog na pagkaing butil at inumin, at handog na pangkapayapaan.” Lahat ng ito ay sinabi ni Moises sa mga Israelita ayon sa iniutos sa kanya ni Yahweh. Sinabi ni Moises sa mga pinuno ng bawat lipi ng Israel, “Ito ang utos ni Yahweh: Kung kayo'y mayroong panata kay Yahweh, huwag kayong sisira sa inyong pangako. Kailangang tuparin ninyo ang bawat salitang binitiwan ninyo. “Kung ang isang dalagang nasa poder pa ng kanyang ama ay mamanata o mangako kay Yahweh nang naririnig ng kanyang ama at hindi ito tumutol, may bisa ang panata o pangakong iyon. Ngunit kung tumutol ang ama nang marinig ang tungkol sa panata, walang bisa ang panata ng nasabing dalaga. Wala siyang sagutin kay Yahweh sapagkat hinadlangan siya ng kanyang ama. “Kung ang isang dalagang nakapanata o nakapangako nang wala sa loob ay magkaasawa, mananatili ang bisa ng panata o pangako kung hindi tututol ang lalaki sa araw na malaman niya iyon. Ngunit kung tumutol ang lalaki sa araw na malaman iyon, mawawalan ng bisa ang panata ng babae, at hindi siya paparusahan ni Yahweh. “Kung ang isang biyuda, o babaing pinalayas at hiniwalayan ng kanyang asawa ay mamanata o mangako, ang bisa nito ay mananatili. “Kung ang isang babaing may asawa ay mamanata o mangako, may bisa ito kapag hindi tumutol ang kanyang asawa sa araw na malaman niya ito. Ngunit ang panata o sumpa ng babae ay hindi magkakabisa kapag tumutol ang lalaki sa sandaling marinig niya ito. Siya'y walang sagutin kay Yahweh sapagkat tutol ang kanyang asawa. Anumang panata o pangakong gawin ng babae ay walang kabuluhan kung tututulan ng kanyang asawa, ngunit magkakabisa kung sasang-ayunan nito. Kapag hindi tumutol ang lalaki sa araw na malaman niya ang panata ng asawa, may bisa ang panatang iyon. Ngunit kapag pinawalang-bisa niya iyon pagkaraan ng ilang araw, siya ang mananagot sa di pagtupad ng kanyang asawa.” Ito ang mga tuntuning sinabi ni Yahweh kay Moises, tungkol sa panata ng mga dalagang nasa poder pa ng kanilang magulang o ng mga babaing may asawa na. Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ipaghiganti mo muna ang sambayanang Israel sa mga Midianita. Pagkatapos, pamamahingahin na kita sa piling ng iyong mga yumaong ninuno.” Kaya sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Humanda kayo sa pakikipagdigma laban sa mga Midianita upang maigawad ang parusa ni Yahweh sa kanila. Bawat lipi ng Israel ay magpadala ng sanlibong kawal.” Nagpadala nga ng tig-iisanlibong kawal ang bawat lipi kaya't nakatipon sila ng 12,000 kalalakihang handang makipagdigma. Pinapunta sila ni Moises sa labanan sa pamumuno ni Finehas na anak ng paring si Eleazar. Dala niya ang mga kagamitan sa santuwaryo at ang mga trumpeta para magbigay-hudyat. Tulad ng utos ni Yahweh kay Moises, nilusob nila ang mga Midianita at pinatay ang lahat ng lalaki kasama ang limang hari ng Midian na sina Evi, Requem, Zur, Hur at Reba, pati si Balaam na anak ni Beor. Binihag nila ang mga babae at ang mga bata, at sinamsam ang kanilang mga baka, mga kawan at lahat ng ari-arian. Sinunog nila ang mga lunsod at lahat ng mga toldang tinitirhan roon, subalit sinamsam nila ang lahat ng maaaring samsamin, maging tao o hayop man. Lahat ng kanilang nasamsam ay iniuwi nila sa kanilang kampo na nasa kapatagan ng Moab, sa tabi ng Jordan, at tapat ng Jerico. Dinala nila ang mga ito kay Moises, sa paring si Eleazar, at sa sambayanang Israel. Ang mga kawal ay sinalubong ni Moises, ng paring si Eleazar, at ng mga pinuno ng Israel sa labas ng kampo. Nagalit si Moises sa mga punong kawal, mula sa pinakamataas hanggang sa pinakamababa. Sinabi niya, “Bakit hindi ninyo pinatay ang mga babae? Nakalimutan na ba ninyo ang ginawa ng mga babaing ito? Sila ang humikayat sa mga Israelita na magtaksil kay Yahweh at sumamba kay Baal noong sila'y nasa Peor! Sila ang dahilan kaya nagkaroon ng salot sa sambayanan ni Yahweh. Patayin ninyo ang mga batang lalaki at lahat ng babaing nasipingan na. Itira ninyo ang mga dalaga, at iuwi ninyo. Ngunit huwag muna kayong papasok ng kampo. Pitong araw muna kayo sa labas ng kampo. Lahat ng nakapatay at nakahawak ng patay, pati ang inyong mga bihag ay maglilinis sa ikatlo at ikapitong araw ayon sa Kautusan. Linisin din ninyo ang inyong mga kasuotan, mga kagamitang yari sa balat, telang lana at kahoy.” Sinabi ni Eleazar sa mga kawal na nanggaling sa labanan, “Ito ang mga patakarang ibinigay ni Yahweh kay Moises: Sa ikapitong araw, lalabhan ninyo ang inyong mga damit. Pagkatapos, magiging malinis na kayo ayon sa Kautusan at maaari nang pumasok sa kampo.” Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Tawagin mo ang paring si Eleazar at ang matatandang pinuno ng bayan at bilangin ninyo ang mga nasamsam. Pagkatapos, hatiin ninyo; ang isang bahagi ay para sa mga kawal, at ang isa'y para sa taong-bayan. Kunin mo ang isa sa bawat limandaang hayop o taong makakaparte ng mga kawal. Ibigay mo ito sa paring si Eleazar bilang handog kay Yahweh. Sa kaparte naman ng bayan, kunin mo ang isa sa bawat limampung tao o hayop, at ibigay mo naman sa mga Levita na nangangalaga sa tabernakulo.” Ginawa nga nina Moises at Eleazar ang ipinag-utos ni Yahweh. At tulad ng sinabi ni Yahweh kay Moises, lahat ng handog kay Yahweh ay ibinigay niya kay Eleazar. Mula sa kaparteng ito ng bayan, kinuha ni Moises ang isa sa bawat limampung hayop o tao at ibinigay sa mga Levita na siyang nangangalaga sa tabernakulo; ito'y ayon sa utos ni Yahweh kay Moises. Pagkatapos, lumapit kay Moises ang mga pinunong kasama sa labanan. Sinabi nila, “Binilang po namin ang aming mga kasamahan at isa man po'y walang namatay. Dala po namin ang mga gintong alahas na aming nasamsam tulad ng pulseras, singsing, hikaw at kuwintas, upang ihandog kay Yahweh bilang kabayaran sa aming buhay.” Tinanggap nina Moises at Eleazar ang lahat ng alahas na yari sa ginto. Nang bilangin nila ang mga ito ay umabot sa 16,750 pirasong ginto. (Hindi ibinigay ng mga pangkaraniwang kawal ang kanilang nasamsam.) Ang mga gintong alahas na tinanggap nina Moises at Eleazar mula sa mga pinuno ay dinala nila sa Toldang Tipanan upang magpaalala sa Israel kung ano ang ginawa ni Yahweh. Napakarami ng hayop ng mga lipi nina Ruben at Gad. Nang makita nila na mainam ang pastulan sa Jazer at sa Gilead, pumunta sila kay Moises, kay Eleazar at sa mga pinuno ng Israel. Sinabi nila, “Ang Atarot, Dibon, Jazer, Nimra, Hesbon, Eleale, Sebma, Nebo at Beon, mga lupaing nilupig ni Yahweh para sa Israel ay mainam na pastulan ng mga hayop. Kaming mga lingkod ninyo ay may mga bakahan. Kung inyong mamarapatin, ito na po lamang ang ibigay ninyo sa amin. Huwag na po ninyo kaming patawirin sa kabila ng Jordan.” Ngunit ganito ang sagot ni Moises sa lipi ni Ruben at ni Gad, “Hahayaan ba ninyong makipaglaban ang inyong mga kapatid samantalang kayo'y nagpapasarap dito? Gusto ba ninyong panghinaan ng loob ang mga Israelita sa pagpunta sa lupaing ibinigay sa kanila ni Yahweh? Ganyan din ang ginawa ng inyong mga magulang nang sila'y suguin ko upang tiktikan ang Kades-barnea. Nang makaahon sila sa may kapatagan ng Escol at makita ang lupain, sinira nila ang loob ng mga Israelita. Dahil doon, nagalit sa kanila si Yahweh. Kaya't isinumpa niya na dahil sa hindi nila pagsunod sa kanya nang buong puso, isa man sa mga nanggaling sa Egipto na may gulang na dalawampung taon pataas ay hindi makakapasok sa lupain na kanyang ipinangako kina Abraham, Isaac at Jacob. Wala ngang nakarating doon liban kay Caleb na anak ni Jefune na mula sa angkan ng Cenizeo at kay Josue na anak ni Nun, sapagkat sila lamang ang buong pusong sumunod kay Yahweh. Nagalit nga sa kanila si Yahweh, kaya sila'y ginawa niyang mga lagalag sa ilang sa loob ng apatnapung taon, hanggang mamatay na lahat ang mga gumawa ng masama sa kanyang paningin. At ngayon, kayo naman ang pumalit sa inyong mga makasalanang magulang. Gusto ba ninyong tularan ang ginawa nila at lalo pang magalit si Yahweh sa Israel? Kapag tumalikod kayo sa kanya, pababayaan niya sa ilang ang Israel. At kayo ang magiging dahilan ng pagkalipol ng bayang ito.” Lumapit sila kay Moises at sinabi: “Igagawa lang muna namin ng kulungan ang aming mga hayop, at ng tirahan ang aming mga pamilya. Kailangang bago namin sila iwan ay matiyak naming ligtas sila sa mga tagarito. Pagkatapos, makikipaglaban kaming kasama ng mga Israelita hanggang makarating sila sa lupaing titirhan nila. Hindi kami uuwi hanggang hindi nila nakakamtan ang lupaing dapat mapunta sa kanila. At hindi na kami makikihati sa lupang masasakop nila sa kabila ng Jordan sapagkat nakakuha na kami ng parte rito sa silangan ng Jordan.” Sumagot si Moises, “Kung talagang gagawin ninyo iyan, ngayon mismo sa harapan ni Yahweh ay humanda na kayo sa pakikipaglaban. Ang lahat ninyong mandirigma ay tatawid sa Jordan at sa pamumuno ni Yahweh ay sasalakayin nila ang mga kaaway hanggang malipol silang lahat ni Yahweh at masakop ang buong lupain. Kapag nagampanan na ninyo ang inyong tungkulin sa kanya at sa buong Israel, makakauwi na kayo. Pagkatapos, tunay ngang ibinigay na sa inyo ni Yahweh ang lupaing ito na nasa silangan ng Jordan. Ngunit kung hindi ninyo gagawin ang inyong sinabi, magkakasala kayo laban kay Yahweh. At ito ang tandaan ninyo: tiyak na pagbabayaran ninyo ang inyong kasalanan. Sige, igawa na ninyo ng tirahan ang inyong mga pamilya at ng kulungan ang inyong mga tupa. Subalit huwag na huwag ninyong kalilimutan ang inyong pangako.” Sinabi ng mga anak nina Gad at Ruben kay Moises, “Gagawin po namin ang ipinag-uutos ninyo sa amin. Ang aming mga anak, asawa at mga hayop ay iiwan namin dito sa Gilead. At kaming mga lingkod ninyo, lahat kaming maaaring makipaglaban ay tatawid ng Jordan sa pamumuno ni Yahweh at makikipaglaban gaya ng inyong ipinag-uutos.” Kaya't ipinagbilin ni Moises kay Eleazar, kay Josue, at sa mga pinuno ng mga angkan at mga lipi ng Israel, “Kapag ang mga anak nina Gad at Ruben na handang makipaglaban sa ilalim ng pamumuno ni Yahweh ay tumawid ng Jordan at tumulong sa inyo sa pagsakop sa lupaing titirhan ninyo, ibigay ninyo sa kanila ang lupain ng Gilead. Ngunit kapag hindi sila tumawid ng Jordan at hindi nakipaglabang kasama ninyo, sa Canaan din sila maninirahang kasama ninyo.” Sinabi ng mga anak nina Gad at Ruben, “Gagawin po namin ang ipinag-uutos ni Yahweh. Sa pamumuno niya'y tatawid kami ng Jordan at makikipaglaban upang manatiling sa amin ang lupaing nasa silangan ng Jordan.” At ibinigay nga ni Moises sa mga lipi ni Gad, Ruben at sa kalahati ng lipi ni Manases ang mga kaharian ni Haring Sihon ng mga Amoreo, at Haring Og ng Bashan. Itinayong muli ng lipi ni Gad ang Dibon, Atarot, Aroer, Atarot-sofan, Jazer, Jogbeha, Beth-nimra at Beth-haran. Ang mga lunsod na ito'y pinaligiran nila ng pader at nilagyan ng mga kulungan ng kanilang mga hayop. Itinayo naman ng lipi ni Ruben ang Hesbon, Eleale, Kiryataim, Nebo, Baal-meon (ang mga ito'y pinalitan nila ng pangalan) at Sibma. Binigyan nila ng bagong pangalan ang mga lunsod na muli nilang itinayo. Ang Gilead ay sinakop naman ng mga anak ni Maquir, buhat sa lipi ni Manases; itinaboy nila ang mga Amoreo rito. Ang lugar na iyo'y ibinigay ni Moises sa kanila at doon sila nanirahan. Ang mga nayon sa paligid ng Ham ay sinakop ni Jair na anak din ni Manases; tinawag niya itong “Mga Nayon ni Jair.” Ang Kenat at ang sakop nito ay sinakop naman ni Noba na anak din ni Manases. Tinawag niya itong Noba, ayon sa kanyang pangalan. Ito ang mga yugto ng paglalakbay ng Israel mula sa Egipto, ayon sa kani-kanilang pangkat, sa pangunguna nina Moises at Aaron. Ayon sa utos ni Yahweh, itinala ni Moises ang bawat yugto ng kanilang paglalakbay buhat sa simula. Umalis ang mga Israelita sa Rameses nang ika-15 araw ng unang buwan, kinabukasan ng Paskwa. Taas-noo silang umalis ng Egipto, kitang-kita ng mga Egipcio habang ang mga ito'y abalang-abala sa paglilibing sa kanilang mga panganay na pinatay ni Yahweh. Ipinakita ni Yahweh na siya'y mas makapangyarihan kaysa mga diyos ng Egipto. Mula sa Rameses, nagkampo sila sa Sucot. Mula sa Sucot, nagkampo sila sa Etam, sa may gilid ng ilang. Mula sa Etam, nagbalik sila sa Pi Hahirot, silangan ng Baal-zefon, at nagkampo sa tapat ng Migdol. Pag-alis nila ng Pi Hahirot, tumawid sila ng dagat at nagtuloy sa ilang. Tatlong araw silang naglakbay sa ilang ng Etam saka nagkampo sa Mara. Mula sa Mara nagtuloy sila ng Elim. Nakakita sila roon ng labindalawang bukal at pitumpung puno ng palmera, at nagkampo sila roon. Mula sa Elim, nagkampo sila sa baybayin ng Dagat na Pula. Mula sa Dagat na Pula, nagkampo sila sa ilang ng Sin. Mula sa ilang ng Sin, nagkampo sila sa Dofca. Mula sa Dofca, nagtuloy sila ng Alus. Mula sa Alus, nagkampo sila sa Refidim, isang lugar na walang maiinom na tubig. Nabalitaan ng hari ng Arad na naninirahan sa timog ng Canaan ang pagdating ng mga Israelita sa Bundok ng Hor. Nang sila'y nasa kapatagan ng Moab, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ganito ang sabihin mo sa mga Israelita: Pagkatawid ninyo ng Jordan papuntang Canaan, palayasin ninyo ang mga naninirahan doon, durugin ninyo ang kanilang mga rebultong bato at imaheng metal. Gibain din ninyo ang mga sambahan nila sa burol. Sakupin ninyo ang lupaing iyon at doon kayo tumira sapagkat ibinibigay ko sa inyo ang lupaing iyon. Hatiin ninyo ang lupain sa bawat lipi at ang paghahati ay ibabatay sa laki ng lipi. Sa malaking lipi malaking parte, sa maliit ay maliit din. Ang pagbibigay ng kanya-kanyang bahagi ay dadaanin sa palabunutan. Ngunit kung hindi ninyo palalayasin ang mga nakatira doon, ang matitira ay magiging parang tinik sa inyong lalamunan, at puwing sa inyong mga mata. Balang araw, sila ang gugulo sa inyo. Kapag nangyari ito, sa inyo ko ipalalasap ang parusang gagawin ko sana sa kanila.” Sinabi ni Yahweh kay Moises ang mga tagubilin para sa bansang Israel, “Pagpasok ninyo sa Canaan, ang lupaing ibinibigay ko sa inyo, ang mga hangganan ng inyong nasasakupan ay ang mga ito: Sa timog, ang ilang ng Zin na katapat ng Edom, ang dulo ng Dagat na Patay, ang daan paakyat sa Acrabim, ang Zin hanggang sa timog ng Kades-barnea, ang Hazaradar at ang Azmon, at ang Batis ng Egipto hanggang sa dagat. “Sa kanluran: ang Dagat Mediteraneo. “Sa hilaga: ang bahagi ng Dagat Mediteraneo, ang Bundok ng Hor, ang Hamat, ang Zedad; at ang Zifron hanggang Hazar-enan. “Sa silangan: mula sa Hazar-enan hanggang Sefam; ang Ribla, gawing silangan ng Ayin, ang baybayin ng Lawa ng Cineret, at ang Jordan hanggang sa Dagat na Patay. Ito ang mga hangganan ng inyong lupain.” Sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Iyan ang lupaing ibibigay ni Yahweh sa siyam at kalahating lipi ng Israel; ang partihan ay dadaanin sa pamamagitan ng palabunutan. Ang mga lipi ni Ruben, ni Gad, at ang kalahati ng lipi ni Manases ay mayroon nang bahagi, at nahati na sa kani-kanilang sambahayan. Ito ay nasa silangan ng Jordan, sa tapat ng Jerico.” Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ang paring si Eleazar at si Josue na anak ni Nun ang mamamahala sa pagpaparte sa lupain. Pumili ka rin ng isang pinuno sa bawat lipi para makatulong nila sa pagpaparte ng lupain.” Ang mga kalalakihang ito ang pinamahala ni Yahweh sa paghahati ng lupain ng Canaan na ibinigay niya sa Israel. Sinabi ni Yahweh kay Moises nang sila'y nasa kapatagan ng Moab, sa may Jordan sa Jerico, “Sabihin mo sa mga Israelita na bigyan nila ng sariling mga lunsod at mga pastulan ang mga Levita. Ang mga lunsod na iyon ay magiging pag-aari ng mga Levita at doon sila maninirahan. Ang mga pastulang iyon ay para sa kanilang mga bakahan at kawan. Ang sukat ng pastulang ibibigay ninyo sa kanila ay 450 metro mula sa pader ng lunsod, 450 metro sa silangan, 450 sa timog, 450 sa kanluran, at 450 sa hilaga. Bigyan rin ninyo sila ng anim na lunsod-kanlungan na takbuhan ng mga nakapatay nang hindi sinasadya. Bukod dito, bibigyan pa ninyo sila ng apatnapu't dalawang lunsod, kasama ang mga pastulan ng mga ito. Samakatuwid, ang ibibigay ninyo sa kanila ay apatnapu't walong lunsod. Ang bilang ng lunsod na ibibigay ng bawat lipi ay batay sa laki ng lipi; sa malaking lipi, marami ang kukunin, sa maliit ay ilan lang.” Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Sabihin mo sa mga Israelita: Pagtawid ninyo ng Ilog Jordan patungong Canaan, pumili kayo ng mga lunsod-kanlungan na matatakbuhan ng sinumang makapatay nang di sinasadya. Doon siya magtatago habang nililitis pa ang kanyang kaso upang huwag mapatay ng malapit na kamag-anak na gustong maghiganti. Pumili kayo ng anim na lunsod-kanlungan; tatlo sa silangan ng Jordan at tatlo sa Canaan. Ang mga lunsod na ito'y maaaring pagtaguan ng sinumang makapatay nang di sinasadya, maging siya'y Israelita o isang dayuhan. Tungkulin ng pinakamalapit na kamag-anak ng napatay na patayin ang pumaslang, kapag nakita niya ito. “Papatayin din ang sinuman na dahil sa galit ay nakapatay sa pamamagitan ng panunulak, o pagpukol ng anuman, o sa pamamagitan ng suntok, sapagkat siya'y nagkasala ng pagpaslang. Siya ay dapat patayin. Tungkulin ng pinakamalapit na kamag-anak ng napatay na patayin ang pumaslang, kapag nakita niya ito. “Ngunit ang sinumang nakapatay nang hindi sinasadya, maging sa pamamagitan ng tulak, o pukol ng anumang bagay; o kaya'y naghagis ng bato at may natamaang di niya nakikita, at hindi naman niya kaaway, ang taong iyon ay hindi dapat ipaubaya ng sambayanan sa mga kamag-anak ng namatay upang paghigantihan ng mga ito. Siya ay pangangalagaan ng sambayanan sa kamag-anak na gustong maghiganti; ibabalik siya sa lunsod-kanlungan at mananatili roon habang nabubuhay ang kasalukuyang pinakapunong pari. Kapag ang nakapatay ay lumabas ng lunsod-kanlungan at napatay siya ng pinakamalapit na kamag-anak ng napatay niya, ito'y walang pananagutan sa batas. Ang nakapatay ay dapat manatili sa pinagtataguan niyang lunsod-kanlungan habang nabubuhay ang nanunungkulang pinakapunong pari. Pagkamatay nito, maaari nang umuwi ang nakapatay sa kanyang sariling bayan. Ang mga tuntuning ito ay para sa inyo at sa lahat ng inyong mga salinlahi saanman kayo manirahan. “Sinumang pumatay ng kapwa ay papatayin din batay sa patotoo ng dalawa o higit pang saksi; walang papatayin dahil sa patotoo ng iisang saksi lang. Sinumang pumatay nang sinasadya ay hindi maaaring tubusin ng salapi; dapat siyang patayin. Sinumang nakapatay nang hindi sinasadya at nagtago sa isang lunsod-kanlungan ay hindi maaaring payagang umalis agad doon sa pamamagitan ng pagbabayad. Kailangang manatili siya roon habang nabubuhay pa ang nanunungkulang pinakapunong pari. Kapag ginawa ninyo ito, dinudungisan ninyo ng dugo ang lupaing inyong tinitirhan. Ang dugo ng pagpaslang ay nagpaparumi sa lupa, at walang ibang makapagpapalinis nito kundi ang dugo ng pumaslang. Huwag ninyong dungisan ang lupaing inyong tinitirhan, sapagkat akong si Yahweh ay naninirahang kasama ng sambayanang Israel.” Ang mga pinuno ng sambahayan ng angkan ni Gilead na anak ni Maquir at apo ni Manases na anak ni Jose ay lumapit kay Moises at sa mga pinuno ng Israel. Sinabi nila, “Iniutos sa inyo ni Yahweh na ipamahagi ang lupain sa pamamagitan ng palabunutan. Iniutos din po na ang bahagi ng kapatid naming si Zelofehad ay ibigay sa mga anak niyang babae. Kung ang mapangasawa nila'y mula sa ibang lipi, ang bahagi nila'y mapupunta sa liping iyon, kaya't mababawasan ang bahagi ng aming lipi. At pagdating ng Taon ng Paglaya, kapag ang lupaing naipagbili ay ibinalik nang tuluyan sa dating may-ari, ang bahagi nila'y mauuwi nang lubusan sa lipi ng kanilang asawa. Kapag nagkagayon, mababawas ito sa aming lipi.” Dahil dito, sinabi ni Moises sa mga Israelita, “Tama ang sinabi ng mga apo ni Jose. Kaya't ang utos ni Yahweh tungkol sa mga anak ni Zelofehad ay malaya silang mag-asawa sa sinumang gusto nila, ngunit huwag lamang lalabas sa lipi ng kanilang ama. Ang bahagi ng alinmang lipi ay hindi maaaring ilipat sa ibang lipi, iyon ay pananatilihin sa lipi ng kanilang ama. Ang babaing may namana sa kanyang ama ay kailangang kumuha ng mapapangasawa mula rin sa lipi nito, upang hindi malipat sa ibang lipi ang kaparte ng kanilang ama. Ang kaparte ng alinmang lipi ay hindi maaaring ilipat sa ibang lipi; pananatilihin ng bawat lipi ang kani-kanilang kaparte.” Sinunod nga ng mga anak ni Zelofehad ang utos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises. Sina Maala, Tirza, Hogla, Milca at Noa ay nag-asawa nga ng mga lalaking mula sa angkan ng kanilang ama, na kabilang sa lipi ni Manases na anak ni Jose. Kaya, nanatili ang kanilang kaparte sa lipi ng kanilang ama. Ito ang mga batas at tuntuning ibinigay ni Yahweh sa Israel sa pamamagitan ni Moises, sa kapatagan ng Moab sa tabi ng Jordan, sa tapat ng Jerico. Ito ang tagubilin ni Moises sa buong Israel nang sila'y nasa ilang sa ibayo ng Jordan, sa Araba. Ito ay nasa tapat ng Suf, sa pagitan ng bayan ng Paran, Tofel, Laban, Hazerot at Di-zahab. (Labing-isang araw ang paglalakbay mula sa Sinai hanggang sa Kades-barnea kung sa kaburulan ng Seir dadaan.) Nang unang araw ng ikalabingisang buwan ng ikaapatnapung taon mula nang sila'y umalis sa Egipto, sinabi ni Moises sa mga Israelita ang mga utos na ibinigay sa kanya ni Yahweh. Nalupig na niya noon ang mga haring Amoreo na sina Sihon ng Hesbon, at Og ng Bashan na nakatira sa Astarot at Edrei. Ipinaliwanag ni Moises ang kautusang ito nang sila'y nasa lupain ng Moab sa silangan ng Jordan. Ang sabi niya, “Nang tayo'y nasa Sinai, ganito ang sinabi sa atin ni Yahweh na ating Diyos, ‘Matagal-tagal na rin kayong nakatigil sa bundok na ito. Magpatuloy na kayo ng paglalakbay papunta sa kaburulang tinitirhan ng mga Amoreo at sa mga karatig na lugar sa Araba, sa kaburulan, kapatagan, sa katimugang disyerto at sa baybay-dagat, samakatuwid ang buong lupain ng Canaan at Lebanon hanggang sa Ilog Eufrates. Sakupin ninyo ang lupaing ito na inihanda ko para sa inyo. Iyan ang lupaing ipinangako ko sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob.’” Patuloy pa ni Moises, “Sinabi ko sa inyo noon na hindi ko na kayo kayang pamahalaang mag-isa. Pinarami kayo ni Yahweh na ating Diyos, at ngayon ay sindami na tayo ng bituin sa langit. Nawa'y pagpalain niya kayo, at tulad ng kanyang pangako, paramihin nawa niya kayo ng sanlibo pang ulit. Ngunit paano ko pa magagampanan ang aking tungkulin sa inyo at maigagawad ang angkop na hatol para sa inyong mga usapin? Kaya, pinapili ko kayo ng mga taong matalino, maunawain at may sapat na karanasan upang italaga kong tagapamahala ninyo, at sumang-ayon naman kayo sa akin. Kaya't pumili kayo noon ng mga lalaking kilala sa inyong mga lipi, mga lalaking may talino at sapat na karanasan. Sila'y inilagay kong tagapamahala ng bawat angkan. Ang ilan sa kanila ay naging tagapamahala sa libu-libo, sa daan-daan, sa lima-limampu, at sa sampu-sampu. “Ipinagbilin ko sa kanila noon na pag-aralang mabuti ang usaping idudulog sa kanila, at igawad ang kaukulang hatol nang walang kinikilingan, maging sa katutubong Israelita o sa dayuhan man. Dapat maging pantay-pantay ang kanilang paghatol sa mga tao; ibibigay nila ang katarungan sa bawat tao, maging sinuman siya. Huwag silang matatakot kaninuman sapagkat ang ihahatol nila ay mula sa Diyos. Kung inaakala nilang mabigat ang usapin, dalhin nila ito sa akin at ako ang hahatol. Sinabi ko rin sa inyo noon ang lahat ng dapat ninyong gawin. “Bilang pagsunod sa utos ni Yahweh, nagpatuloy tayo ng paglalakbay mula sa Sinai. Pinasok natin ang napakalawak at nakakatakot na ilang bago tayo nakarating sa kaburulan ng mga Amoreo. At narating nga natin ang Kades-barnea. Sinabi ko sa inyo noon, ‘Narito na tayo sa kaburulan ng mga Amoreo, sa lupaing ibinibigay sa atin ni Yahweh na ating Diyos. Ang lupaing ito'y inihanda na niya sa atin. Huwag na kayong mag-atubili ni matakot man. Sakupin na ninyo agad iyon tulad ng ipinagbilin sa atin ng Diyos ng ating mga ninuno.’ Ngunit hiniling ninyo na magpadala muna tayo ng mga espiya upang pag-aralan kung paano natin papasukin ang lugar na iyon. Sa tingin ko'y mabuti ang sinabi ninyo, kaya pumili ako ng labindalawang kalalakihan, isa sa bawat lipi. Pumunta sila sa kaburulang iyon hanggang sa libis ng Escol at doo'y nagsiyasat. Nang sila'y magbalik, may dala silang mga prutas mula roon, at sinabi nilang maganda ang lupaing ibinibigay sa atin ni Yahweh. “Ngunit hindi kayo nagpunta; sa halip ay sinuway ninyo ang utos ni Yahweh. Lihim kayong nag-usap-usap sa inyong mga tolda. Ang sabi ninyo, ‘Marahil ay galit sa atin si Yahweh kaya niya tayo inilabas sa Egipto at dinala rito upang ipapatay sa mga Amoreo. Paano tayo makakarating sa lupaing iyon. Nakakatakot palang pumunta roon. Mas malalaki pala kaysa sa atin ang mga tao roon, malalaki ang lunsod, at ang pader ay abot sa langit; may mga higante pa roon!’ “Ang sabi ko naman sa inyo, ‘Huwag kayong matakot sa kanila sapagkat si Yahweh ang mangunguna sa inyo at ipaglalaban niya kayong tulad ng nakita ninyong ginawa niya sa Egipto at sa ilang. Dinala niya kayong ligtas hanggang sa lugar na ito tulad ng pagkalong ng isang ama sa kanyang anak.’ Sa kabila ng sinabi ko'y hindi pa rin kayo nagtiwala sa kanya gayong siya ang nanguna sa inyo. Pinatnubayan niya kayo sa pamamagitan ng haliging apoy kung gabi, at haliging ulap kung araw, at itinuro sa inyo ang inyong daraanan at ang inyong pagkakampuhan. “Narinig ni Yahweh ang usapan ninyo, at siya'y nagalit. Dahil dito, isinumpa niya: ‘Isa man sa inyo ay hindi makakarating sa lupaing aking ipinangako sa inyong mga ninuno, maliban kay Caleb na anak ni Jefune. Siya lamang ang makakapasok doon. Ibibigay ko sa kanya at sa kanyang magiging angkan ang lupaing maaabot niya sapagkat lubusan siyang sumunod sa akin.’ Nagalit din sa akin si Yahweh dahil sa inyo. Sinabi niya, ‘Kahit ikaw, Moises, ay hindi makakapasok sa lupaing iyon. Ang kanang kamay mong si Josue ang papasok doon. Palakasin mo ang kanyang loob sapagkat siya ang mangunguna sa Israel sa pagsakop nila sa lupaing iyon.’ “Sinabi rin niya, ‘Makakarating doon ang mga maliliit ninyong anak na hindi pa nakakaalam ng mabuti at masama—ang inyong mga anak na sinasabi ninyong mabibihag ng mga kaaway. Ibibigay ko sa kanila ang lupain at sasakupin nila ito. Ngunit kayo'y babalik sa ilang papuntang Dagat na Pula.’ “Sinabi naman ninyo sa akin noon, ‘Nagkasala kami kay Yahweh. Pupunta na kami roon at makikipaglaban tulad ng iniutos niya sa amin.’ At kayong lahat ay dali-daling nagsakbat ng sandata sapagkat akala ninyo'y madali lamang ang paglusob sa kaburulan ng mga Amoreo. “Ipinapigil kayo sa akin ni Yahweh sapagkat hindi niya kayo papatnubayan, at malulupig lamang kayo ng inyong sasalakayin. Ngunit hindi kayo nakinig sa akin. Sinuway ninyo ang utos ni Yahweh at nagpatuloy kayo sa inyong paglusob. Kaya naman parang mga bubuyog na dinagsa kayo ng mga Amoreo; ginapi nila kayo at tinugis hanggang Horma. Dumaing kayo kay Yahweh, ngunit hindi niya kayo pinakinggan o pinansin man lamang. “Kaya, napilitan kayong tumigil nang matagal sa Kades. Tulad ng utos sa akin ni Yahweh, nagbalik tayo sa ilang, tungo sa Dagat na Pula. “Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Matagal na rin kayong nagpapaikut-ikot sa kaburulang ito. Ngayon, lumakad na kayo papuntang hilaga. Dadaan kayo sa Seir, ang lupain ng mga kamag-anak ninyo, ang lahi ni Esau. Takot sila sa inyo ngunit mag-ingat pa rin kayo. Huwag ninyo silang kakalabanin sapagkat kapiraso man ng lupain nila'y hindi ko ibibigay sa inyo. Ibinigay ko na sa lahi ni Esau ang kaburulan ng Seir. Bibilhin ninyo ang pagkain at inuming kukunin ninyo sa kanila.’ “Pinagpala kayo ni Yahweh sa lahat ng inyong ginawa, at hindi niya kayo hiniwalayan sa inyong paglalakbay sa ilang. Sa loob ng apatnapung taon, hindi kayo nagkulang sa anumang bagay. “Kaya dumaan lamang tayo sa kanilang lupain at nagpatuloy sa paglalakbay palayo sa Araba, Elat at Ezion-geber. At tayo ay napunta sa ilang ng Moab. “At sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Huwag rin ninyong guguluhin o sasalakayin ang mga Moabita sapagkat kapiraso man ng lupain nila ay hindi ko ibibigay sa inyo. Ang lupain ng Ar ay ibinigay ko na sa lahi ni Lot.’” ( Ang dating nakatira roon ay ang mga Emita. Marami sila at malalaki ring tulad ng mga higante. Tulad ng mga higante, kilala rin sila sa tawag na Refaim, ngunit Emita ang tawag sa kanila ng mga Moabita. Dati, nakatira rin sa Seir ang mga taga-Hor, ngunit pinuksa sila ng mga anak ni Esau, at sila ang nanirahan roon, tulad ng ginawa ng mga Israelita sa lupaing ibinigay sa kanila ni Yahweh.) “‘Ngayon nga'y magpatuloy kayo; tumawid kayo sa batis ng Zared.’ At ganoon nga ang ginawa natin. Tatlumpu't walong taon ang nakalipas mula nang umalis tayo sa Kades-barnea hanggang sa pagtawid natin sa Zared. Tulad ng isinumpa ni Yahweh, walang natira sa mga mandirigma ng salinlahing iyon. Patuloy silang nilabanan ni Yahweh hanggang malipol silang lahat. “Nang wala na ngang natitira sa mga mandirigma ng lahing iyon, sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Ngayon ay tumawid kayo sa Ar, sa hangganan ng Moab. Pagdaan ninyo sa lupain ng mga anak ni Ammon, huwag ninyo silang guguluhin o didigmain sapagkat kapiraso man ng lupa nila'y hindi ko ibibigay sa inyo. Ibinigay ko na iyon sa mga anak ni Lot.’” ( Ang lupaing iyon ay dating sakop ng mga Refaim, na ang tawag ng mga Ammonita ay Zamzumim. Marami rin sila at malalaking tulad ng mga higante. Ngunit pinuksa sila ni Yahweh; kaya't itinaboy sila ng mga Ammonita upang ang mga ito ang tumira roon. Gayundin ang ginawa ni Yahweh sa lahi ni Esau nang ang mga ito'y magpunta sa Seir; itinaboy niya ang mga taga-Hor at ang lahi ni Esau ang nanirahan roon. Ang mga taga-Awim naman sa Gaza ay itinaboy ng mga taga-Caftor at sila ang tumira roon.) “At doon ay sinabi ni Yahweh, ‘Magpatuloy kayo; tumawid kayo sa Ilog Arnon. Mabibihag ninyo si Sihon, ang hari ng mga Amoreo sa Hesbon, at masasakop ninyo ang kanyang lupain. Kaya't simulan na ninyo ang pagsakop sa lupain niya. Dahil sa gagawin ko ay matatakot sa inyo ang lahat ng bansa sa daigdig. Mabanggit lamang kayo'y manginginig na sila sa takot.’ “At mula sa ilang ng Kedemot, nagpadala ako ng sugo kay Haring Sihon na taga-Hesbon upang mag-alok ng kapayapaan: ‘Makikiraan kami sa iyong lupain. Hindi kami lilihis ng daan. Babayaran namin ang aming kakainin at iinumin. Kung maaari'y paraanin mo lang kami tulad ng ginawa ng mga anak ni Esau sa Seir at ng mga Moabita sa Ar. Makikiraan lamang kami para makarating sa kabila ng Jordan, sa lupaing ibinigay sa amin ni Yahweh, na aming Diyos.’ “Ngunit hindi niya ito pinahintulutan. Siya'y pinagmatigas ni Yahweh para matalo natin at makuha ang kanyang lupain na hanggang ngayon ay sakop natin. “At sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Ito na ang simula ng pagbagsak ng kaharian ni Haring Sihon sa inyong mga kamay; sakupin na ninyo ang kanyang lupain.’ Sinalakay tayo ni Sihon at ng lahat ng kanyang mga tauhan sa Jahaz. Ngunit siya at ang kanyang mga tauhan ay natalo natin sa tulong ni Yahweh. Nasakop natin ang kanyang mga lunsod; giniba natin ang mga ito at walang itinirang buháy isa man sa mga tagaroon. Ang kanilang mga hayop at ari-arian ay sinamsam natin. Walang lunsod na hindi natin napasok, mula sa Aroer hanggang Gilead; lahat ay nasakop natin sa tulong ni Yahweh. Ngunit hindi natin ginalaw ang lupain ng lahi ni Ammon, ang baybayin ng Ilog Jabok, at ang kaburulan, sapagkat iyon ang kabilin-bilinan ni Yahweh na ating Diyos. “Nagpatuloy tayo papuntang Bashan ngunit pagdating natin sa Edrei, sinalakay tayo ni Haring Og ng Bashan. Sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Huwag kayong matakot sa kanya sapagkat matatalo ninyo sila tulad ng ginawa ninyo kay Haring Sihon ng Hesbon at sa mga Amoreo.’ “Sa tulong ni Yahweh, natalo nga natin si Haring Og at ang buong Bashan; wala tayong itinirang buháy isa man sa kanila. Nasakop natin ang animnapu nilang lunsod sa Argob, ang buong kaharian ni Og sa Bashan, ang maraming maliliit na nayon, at ang malalaki nilang lunsod na napapaligiran ng pader. Tulad ng ginawa natin kay Haring Sihon ng Hesbon, nilipol natin sila pati mga kababaihan at mga bata. Ang itinira lamang natin ay ang mga hayop at iba pang ari-arian nilang sinamsam natin. “Nasakop natin noon ang lupain ng dalawang haring Amoreo, ang lupain nila sa silangan ng Jordan, mula sa Ilog Arnon hanggang sa Bundok ng Hermon. ( Sirion ang tawag ng mga taga-Sidon sa Bundok ng Hermon at Senir naman ang tawag doon ng mga Amoreo.) Nasakop din natin ang mga lunsod sa matataas na kapatagan, ang buong Gilead, ang Bashan, hanggang Salca at Edrei, na pawang sakop ni Haring Og.” ( Si Haring Og lamang ang natira sa mga taga-Refaim. Ang kabaong niyang bato ay apat na metro ang haba at dalawang metro ang lapad. Ito ay nasa Lunsod ng Rabba, sa lupain ng Ammon, hanggang ngayon.) “Nang masakop natin ang bansang iyon, ibinigay ko sa lipi nina Ruben at Gad ang lupain mula sa Aroer na nasa tabi ng Ilog Arnon, at ang kalahati ng Gilead. Ang kalahati naman ng Gilead, ang Bashan, samakatuwid ang buong Argob ay ibinigay ko sa kalahati ng lipi ni Manases.” (Ang buong Bashan ay tinatawag na lupain ng mga Refaim. Ang buong lupain nga ng Argob, at ang Bashan, hanggang sa hangganan ng mga Gesureo at Maacateo, ay napunta kay Jair na anak ni Manases. Hanggang ngayon, may ilang nayon doon na tinatawag na Mga Nayon ni Jair, sunod sa pangalan niya.) “Ang Gilead naman ay ibinigay ko kay Maquir. Sa mga lipi naman nina Ruben at Gad ay ibinigay ko ang lupain mula sa Gilead hanggang sa kalagitnaan ng Ilog Arnon. Ang Ilog Arnon ang hangganan nito sa timog at ang Ilog Jabok naman sa hilaga. Dito naman nagsimula ang lupain ng lahi ni Ammon. Sa kanluran ang lupain nila'y abot sa Ilog Jordan, mula sa Lawa ng Cineret hanggang sa Dagat na Patay. Abot naman sa Bundok Pisga sa gawing silangan. “Sinabi ko sa kanila noon: ‘Ang lupaing ito ang ibinibigay sa inyo ni Yahweh na ating Diyos, ngunit ang lahat ng mandirigma ay makikipaglaban munang kasama ng ibang Israelita. Maiiwan dito ang inyong mga pamilya at ang inyong mga hayop sapagkat alam kong marami kayong alagang hayop. Hindi kayo babalik dito hanggang ang mga kapatid ninyong Israelita ay hindi napapanatag sa lupaing ibinigay sa kanila ni Yahweh.’ “Ito naman ang sinabi ko kay Josue: ‘Nakita mo ang ginawa ni Yahweh sa dalawang haring Amoreo; ganoon din ang gagawin ni Yahweh sa mga hari ng lupaing pupuntahan ninyo. Huwag kang matatakot sa kanila sapagkat si Yahweh ang siyang nakikipaglaban para sa inyo.’ “Nakiusap ako noon kay Yahweh. Ang sabi ko, ‘Panginoong Yahweh, pinasimulan mo nang ipakita sa akin ang iyong kapangyarihan. Sinong diyos sa langit o sa lupa ang makakagawa ng iyong ginagawa? Hinihiling ko sa iyong patawirin mo ako sa ibayo ng Jordan upang makita ko ang maganda at masaganang lupaing iyon, ang kaburulan at ang Bundok Lebanon.’ “Ngunit hindi niya ako pinakinggan sapagkat nagalit nga siya sa akin dahil sa inyo. Ang sagot niya sa akin: ‘Tumigil ka na! Huwag mo nang mabanggit-banggit sa akin ang bagay na ito. Umakyat ka na lamang sa tuktok ng Pisga at tanawin mo ang paligid sapagkat hindi ka makakatawid ng Jordan. Ituro mo kay Josue ang dapat niyang gawin, at palakasin mo ang kanyang loob sapagkat siya ang mangunguna sa Israel sa pagsakop sa lupaing matatanaw mo.’ “At nanatili tayo sa libis na nasa tapat ng Beth-peor. “Ngayon, O Israel, pakinggan ninyong mabuti at sundin ang tuntuning itinuturo ko sa inyo upang mabuhay kayo nang matagal at mapasainyo ang lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh, na inyong Diyos. Huwag ninyo itong daragdagan ni babawasan. Sundin ninyo ang mga utos na ibinigay ko sa inyo mula kay Yahweh. Nakita ninyo ang ginawa ni Yahweh sa Baal-peor; nilipol niya ang lahat ng sumamba kay Baal, ngunit kayong nanatiling tapat kay Yahweh na inyong Diyos ay buháy pa hanggang ngayon. “Ngayon nga'y itinuturo ko sa inyo ang mga batas at tuntunin na ito gaya ng ipinag-utos sa akin ni Yahweh na ating Diyos. Sundin ninyo ang mga ito sa lupaing malapit na ninyong sakupin at tirhan. Unawain ninyo ito at sunding mabuti. Sa gayon makikita ng ibang bansa ang inyong karunungan at pang-unawa. Kaya't masasabi nila: ‘Ang dakilang bansang ito'y matalino at may malawak na pagkaunawa.’ “Sinong diyos ng ibang bansa ang handang tumulong anumang oras liban kay Yahweh? Aling bansa ang may makatarungang tuntunin at kautusan tulad ng ibinigay ko sa inyo ngayon? Ngunit mag-ingat kayo. Huwag ninyong kakalimutan o babale-walain ang mga bagay na inyong nasaksihan, habang kayo'y nabubuhay. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak at mga apo. Huwag ninyong kalilimutan ang sinabi ni Yahweh nang kayo'y nasa harap ng Bundok ng Sinai: ‘Tipunin mo sa harapan ko ang buong bayan. Ituturo ko sa kanila ang aking mga utos upang magkaroon sila ng takot sa akin habang sila'y nabubuhay; ituturo naman nila ito sa kanilang mga anak.’ “At kayo'y nagtipon sa paanan ng bundok; ito'y naglagablab nang abot sa langit. Pagkatapos, nabalot ito ng ulap at kadiliman. Mula sa gitna ng apoy, nagsalita sa inyo si Yahweh; narinig ninyo ang kanyang tinig ngunit hindi ninyo siya nakita. Ipinahayag niya ang mga tuntunin ng kasunduang ginawa niya sa inyo, ang sampung utos na isinulat niya sa dalawang tapyas ng bato. Noon, iniutos niya sa akin na ituro sa inyo ang mga tuntunin na inyong susundin sa lupaing sasakupin ninyo. “Nang kayo'y kausapin ni Yahweh mula sa apoy sa Sinai, wala kayong nakitang anyo, kaya mag-ingat kayong mabuti. Huwag kayong gagawa ng anumang larawan upang sambahin, maging kawangis ng tao, hayop sa ibabaw ng lupa, ibon, ng anumang gumagapang o ng anumang isda. Huwag ninyong sasambahin ang araw, buwan, bituin o alinmang bagay sa kalawakan na nilalang ni Yahweh para sa tao. Iniligtas kayo ni Yahweh mula sa napakainit na pugon ng pagkaalipin sa Egipto upang maging kanyang bayang hinirang. Nagalit sa akin si Yahweh dahil sa inyo, at isinumpa niyang hindi ako makakarating sa masaganang lupaing ibibigay niya sa inyo. Hindi ninyo ako makakasama sa kabila ng Jordan. Dito na ako mamamatay ngunit kayo'y magpapatuloy upang sakupin ang lupaing iyon. Mag-ingat kayo. Huwag na huwag ninyong kalilimutan ang kasunduan ninyo ni Yahweh. Huwag kayong gagawa ng anumang larawan upang sambahin, gaya ng ipinagbawal niya sa inyo. Sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ay tulad ng naglalagablab na apoy at siya ay mapanibughuing Diyos. “Kahit gaano katagal ang abutin ninyo roon, kahit kayo'y magkaanak at magkaapo, huwag kayong gagawa ng mga larawan upang sambahin sapagkat magagalit sa inyo si Yahweh na inyong Diyos. Masama ito sa kanyang paningin. Saksi ang langit at ang lupa na kapag nilabag ninyo ang utos na ito, hindi kayo magtatagal sa lupaing iyon sa kabila ng Jordan sapagkat malilipol kayo nang lubusan. Paghihiwa-hiwalayin kayo ni Yahweh sa iba't ibang bansa at kaunti lamang ang matitira sa inyo. At sa lugar na pagtatapunan sa inyo ay maglilingkod kayo sa mga diyus-diyosang kahoy at bato na gawa ng mga tao. Sila'y hindi nakakakita, nakakarinig, nakakaamoy ni nakakakain. Gayunman, matatagpuan ninyong muli si Yahweh kung siya'y buong puso ninyong hahanapin. Kapag nangyari na ang lahat ng ito, at kayo'y nasa matinding kahirapan, manunumbalik na kayo kay Yahweh at maglilingkod sa kanya. Siya ay mahabagin. Hindi niya kayo pababayaang malipol sapagkat hindi niya kakalimutan ang kanyang kasunduan sa inyong mga ninuno. “Ipagtanong ninyo kahit saan at kahit kanino kung may naganap nang tulad nito. May nasaksihan o nabalitaan na ba kayong gaya nito mula nang likhain ng Diyos ang daigdig? Maliban sa inyo, mayroon pa bang ibang sambayanan na nakarinig sa tinig ng isang diyos mula sa haliging apoy, at nanatiling buháy? Sino bang diyos ang nagtangkang maglabas ng isang buong lahi mula sa isang bansa upang maging kanya sa pamamagitan ng tagisan ng kapangyarihan, ng kababalaghan, ng digmaan, at ng makapangyarihang mga gawa, tulad ng ginawa sa Egipto ni Yahweh na inyong Diyos? Ang mga pangyayaring ito'y ipinakita niya sa inyo upang maniwala kayo na si Yahweh ay Diyos, at wala ng iba liban sa kanya. Mula sa langit, nagsalita siya sa inyo upang kayo'y turuan. At dito sa lupa nagsalita siya mula sa apoy. At dahil sa pag-ibig niya sa inyong mga ninuno, pinili niya kayo, at sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan ay inilabas kayo sa Egipto. Pinuksa niya ang mga bansang mas malaki at mas makapangyarihan kaysa inyo upang makapanirahan kayo sa lupaing ibinigay niya sa inyo ngayon. Dahil dito, tandaan ninyo at huwag kalilimutan na sa langit at sa lupa'y walang ibang Diyos liban kay Yahweh. Kaya nga, dapat ninyong sundin ang kanyang mga utos at tuntuning sinasabi ko sa inyo ngayon. Sa ganoon, pagpapalain kayo at ang lahing susunod sa inyo. Magtatagal kayo habang panahon sa lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.” Pagkatapos, pumili si Moises ng tatlong lunsod sa kabila ng Jordan upang maging kanlungan ng sinumang makapatay nang di sinasadya. Kapag ito'y nakapasok sa alinman sa mga lunsod na iyon, ligtas na ito sa paghihiganti ng mga kamag-anak ng namatay. Ito ang mga lunsod na ibinukod niya: ang Bezer sa mataas na kapatagan sa ilang para sa lipi ni Ruben; ang Ramot sa Gilead para sa lipi ni Gad, at ang Golan sa Bashan para sa lipi ni Manases. Ito ang kautusang ibinigay ni Moises sa mga Israelita, mga batas at tuntuning ipinahayag niya nang sila'y lumabas sa Egipto. Sila noon ay nasa silangan ng Jordan sa libis ng Beth-peor, sakop ni Haring Sihon ng mga Amoreo. Si Haring Sihon ay nagapi nga nina Moises nang sila'y umalis sa Egipto. Sinakop nila ang lupain nito, pati ang lupain ni Haring Og. Ang dalawang haring ito ng mga Amoreo ang sumakop sa silangang bahagi ng Ilog Jordan. Ang lupaing nasakop nila noon ay mula sa Aroer, sa tabi ng Ilog Arnon hanggang Bundok ng Zion o Hermon, sakop din ang buong Araba sa silangan ng Jordan, hanggang sa baybayin ng Dagat na Patay sa paanan ng Bundok ng Pisga. Tinipon ni Moises ang buong Israel at kanyang sinabi, “Bayang Israel, dinggin ninyo ang kautusan at ang mga tuntuning ibibigay ko sa inyo ngayon. Unawain ninyong mabuti at tuparin ang mga ito. Ang Diyos nating si Yahweh ay gumawa ng kasunduan sa atin sa Bundok ng Sinai, hindi sa ating mga ninuno kundi sa ating nabubuhay ngayon. Harap-harapan siyang nakipag-usap sa inyo sa bundok mula sa naglalagablab na apoy. Habang ibinibigay niya ang kanyang mga utos, nakatayo ako sa pagitan ninyo at ni Yahweh sapagkat natatakot kayo sa ningas at ayaw ninyong umakyat sa bundok. Sinabi niya: “‘Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na naglabas sa iyo sa Egipto at nagpalaya sa iyo mula sa pagkaalipin. “‘Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin. “‘Huwag kang gagawa ng diyus-diyosang imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin. Huwag mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos. Ang kasalanan ng mga magulang ay sinisingil ko sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi. Ngunit ipinadarama ko ang aking pag-ibig at pagkalinga sa libu-libong salinlahi ng mga umiibig sa akin at tumutupad sa aking mga kautusan. “‘Huwag mong gagamitin sa walang kabuluhan ang pangalan ni Yahweh na iyong Diyos. Tiyak na paparusahan ko ang gumamit nito nang walang kabuluhan. “‘Ilaan mo para sa akin ang Araw ng Pamamahinga, tulad ng ipinag-uutos ni Yahweh na iyong Diyos. Anim na araw kang magtatrabaho, at tapusin mo ang dapat gawin. Subalit ang ikapitong araw ay para kay Yahweh na iyong Diyos; ito ay Araw ng Pamamahinga. Sa araw na iyo'y huwag magtatrabaho ang sinuman sa inyo; ikaw, ang iyong mga anak, mga aliping lalaki o babae, ni alinman sa mga alaga mong hayop, ni ang mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. Ang iyong alipin, lalaki man o babae ay kailangang mamahingang tulad mo. Alalahanin mong naging alipin ka rin sa Egipto at mula roo'y inilabas kita sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Kaya iniutos ko na panatilihin mong nakalaan kay Yahweh ang Araw ng Pamamahinga. “‘Igalang mo ang iyong ama at ina tulad ng iniutos ko sa iyo. Sa gayo'y mabubuhay ka nang matagal at sagana sa lupaing ibinibigay sa iyo ni Yahweh na iyong Diyos. “‘Huwag kang papatay. “‘Huwag kang mangangalunya. “‘Huwag kang magnanakaw. “‘Huwag kang sasaksi nang walang katotohanan laban sa iyong kapwa. “‘Huwag mong pagnanasaang maangkin ang asawa ng iyong kapwa. Huwag mong pagnasaang maangkin ang kanyang sambahayan, bukid, alilang lalaki o babae, baka, asno o anumang pag-aari niya.’ “Ang mga ito'y sinabi sa inyo ni Yahweh doon sa bundok, mula sa naglalagablab na apoy at makapal na usok. Liban doon, hindi na siya nagsalita sa inyo. Pagkatapos, isinulat niya ang mga ito sa dalawang tapyas na bato at ibinigay sa akin. “Nang marinig ninyo ang kanyang tinig mula sa kadiliman, habang nagliliyab ang bundok, lumapit sa akin ang pinuno ng bawat angkan at ang inyong matatandang pinuno. Sinabi nila, ‘Ipinakita sa atin ni Yahweh na ating Diyos ang kanyang kaluwalhatian at kadakilaan, at ipinarinig sa atin ang kanyang tinig. Nakipag-usap siya sa atin nang harapan ngunit hindi tayo namatay. Bakit natin hihintaying mamatay tayo rito? Lalamunin tayo ng apoy na ito at tiyak na mamamatay tayo kapag nagsalita pa siya sa atin. Sinong tao ang nanatiling buháy matapos marinig mula sa apoy ang tinig ng Diyos na buháy? Ikaw na lang ang makipag-usap kay Yahweh na ating Diyos. Sabihin mo na lamang sa amin ang lahat ng sasabihin niya sa iyo, at susundin namin.’ “Narinig ni Yahweh ang sinabi ninyo noon at ito naman ang kanyang sinabi sa akin: ‘Narinig ko ang sinabi nila sa iyo at tamang lahat iyon. Sana nga'y manatili ang takot nila sa akin at lagi nilang sundin ang aking mga utos upang maging matiwasay ang buhay nila at ng kanilang mga anak habang panahon. Magbalik ka sa kanila at pauwiin mo na sila. Ngunit mananatili ka rito at sasabihin ko sa iyo ang aking mga batas at mga tuntunin. Ituturo mo ito sa kanila upang kanilang sundin sa lupaing ibibigay ko sa kanila.’ “Sundin ninyong mabuti ang lahat ng iniuutos sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. Huwag kayong lilihis sa mga ito. Mamuhay kayo ayon sa kanyang mga utos. Sa ganoon, sasagana kayo at hahaba ang buhay ninyo sa lupaing sasakupin ninyo. “Ito nga ang Kautusan at mga tuntuning ibinigay niya sa akin, na siya ninyong susundin sa lupaing inyong sasakupin. Ang mga ito'y ibinigay sa inyo ni Yahweh at sa inyong mga anak at sa mga susunod na salinlahi upang magkaroon kayo ng takot sa kanya. Kung ito'y susundin ninyo, hahaba ang inyong buhay. Kaya nga, pakinggan ninyo ito at sunding mabuti. Kung magkagayo'y sasagana kayo, at darami ang inyong lahi pagdating ninyo sa lupaing ipinangako ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno, sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay. “Pakinggan mo, O Israel: Si Yahweh na ating Diyos ang tanging Yahweh. Ibigin mo si Yahweh na iyong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa at buong lakas. Ang mga utos niya'y itanim ninyo sa inyong puso. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak; pag-aralan ninyo ito sa inyong tahanan, sa inyong paglalakbay, sa inyong pagtulog sa gabi, at sa inyong pagbangon sa umaga. Ipulupot ninyo ito sa inyong mga kamay bilang tanda, itali sa inyong noo, isulat sa mga hamba ng pintuan ng inyong bahay at mga tarangkahan. “Malapit na kayong dalhin ni Yahweh sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Maninirahan kayo sa malalaki at magagandang lunsod na hindi kayo ang nagtatag. Titira kayo sa mga tahanang sagana sa lahat ng bagay ngunit hindi ninyo pinaghirapan. Iinom kayo ng tubig na galing sa mga balong hindi ninyo hinukay. Mamimitas kayo sa mga ubasan at sa mga olibong hindi ninyo itinanim. Kung kayo'y naroon na at masagana na sa lahat ng bagay, huwag na huwag ninyong kalilimutan si Yahweh na naglabas sa inyo sa Egipto, sa bayan ng pagkaalipin. Magkaroon kayo ng takot kay Yahweh, paglingkuran ninyo siya at sa kanyang pangalan kayo manumpa. Huwag kayong maglilingkod sa diyus-diyosan ng mga bayang pupuntahan ninyo sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ay mapanibughuing Diyos; kapag sumamba kayo sa diyus-diyosan magagalit siya sa inyo at lilipulin niya kayong lahat. “Huwag ninyong susubukin si Yahweh na inyong Diyos, tulad ng ginawa ninyo sa Masah. Sundin ninyong mabuti ang kanyang mga utos at mga tuntunin. Gawin ninyo kung ano ang tama at mabuti sa paningin ni Yahweh, at mamumuhay kayong matiwasay. Masasakop ninyo ang lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno; mapapalayas ninyo ang inyong mga kaaway, tulad ng pangako niya sa inyo. “Kapag dumating ang araw na itanong ng inyong mga anak kung bakit kayo binigyan ni Yahweh ng kautusan at mga tuntunin, ganito ang sabihin ninyo: ‘Noong araw, inalipin kami ng Faraon sa Egipto. Pinalaya kami roon ni Yahweh sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Nasaksihan namin ang maraming kababalaghang ginawa niya laban sa Faraon at sa mga Egipcio. Inilabas niya kami sa Egipto upang dalhin sa lupaing ipinangako niya sa ating mga ninuno. Ibinigay niya sa amin ang kautusan at mga tuntuning ito upang magtaglay kami ng takot sa kanya. Sa ganoon, sasagana tayo at iingatan niyang tulad ng ginagawa niya sa atin ngayon. Kalulugdan tayo ng Diyos nating si Yahweh kung susundin natin nang buong katapatan ang lahat ng ipinag-uutos niya sa atin.’ “Pagdating ninyo sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh at kapag nasakop na ninyo ang pitong bansang nauna sa inyo roon—Heteo, Gergeseo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hivita at Jebuseo—mga bansang mas malakas at mas makapangyarihan kaysa inyo, at kapag sila'y ipinaubaya na ni Yahweh sa inyo, lipulin ninyo silang lahat. Huwag ninyo silang kaaawaan at huwag kayong gagawa ng kasunduan sa kanila. Huwag kayong papayag na mapangasawa ng inyong mga anak ang kanilang mga anak sapagkat tiyak na ilalayo nila ang inyong mga anak kay Yahweh, at pasasambahin sa kanilang mga diyus-diyosan. Kapag nagkaganoon, magagalit sa inyo si Yahweh at kayo'y kanyang lilipulin agad. Kaya nga, gibain ninyo ang kanilang mga altar, pagputul-putulin ang kanilang mga sinasambang haligi, durugin ang mga imahen ng kanilang diyosang si Ashera, at sunugin ang mga diyus-diyosan. Kayo ay bansang itinalaga kay Yahweh. Hinirang niya kayo sa lahat ng bansa upang maging kanyang sariling bayan. “Pinili niya kayo at inibig hindi dahil mas marami kayo kaysa ibang mga bansa, sa katunayan, kayo pa nga ang pinakakaunti sa lahat. Pinili niya kayo dahil sa pag-ibig niya sa inyo, at sa kanyang pangako sa inyong mga ninuno. Ito rin ang dahilan kaya niya kayo iniligtas sa kamay ng Faraon sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Kaya't pakatatandaan ninyong si Yahweh na inyong Diyos ay Diyos, at siya ay Diyos na hindi marunong sumira sa pangako. Tapat siya sa lahat ng umiibig sa kanya at sumusunod sa kanyang mga tuntunin. Ipinadarama niya ang kanyang pagmamahal hanggang sa ikasanlibong salinlahi. Subalit nililipol niya ang lahat ng namumuhi sa kanya; hindi makakaligtas sa kanyang parusa ang lahat ng hindi sumusunod sa kanya. Kaya, sundin ninyo ang kautusan at mga tuntuning ito na ibinibigay ko sa inyo ngayon. “Kung taos-puso ninyong susundin ang mga utos na ito, tutuparin naman ni Yahweh ang kanyang kasunduan, at patuloy niya kayong iibigin, tulad ng ipinangako niya sa inyong mga ninuno. Iibigin, pagpapalain, at pararamihin niya kayo. Magkakaroon kayo ng maraming anak, at bibigyan ng masaganang ani, inumin at langis. Pararamihin niya ang inyong mga hayop. Tutuparin niya ito pagdating ninyo sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno. Pagpapalain niya kayo nang higit sa alinmang bansa. Walang magiging baog sa inyo, maging tao o maging alagang hayop man. Ilalayo niya kayo sa mga karamdaman. Alinman sa mga sakit na ipinaranas sa mga Egipcio ay hindi niya padadapuin sa inyo kundi sa inyong mga kaaway. Pupuksain ninyo ang lahat ng bansang ipapasakop ni Yahweh na inyong Diyos sa inyo. Huwag ninyo silang kaaawaan. Huwag din ninyong sasambahin ang kanilang mga diyus-diyosan. Iyan ang patibong na naghihintay sa inyo roon. “Huwag ninyong ikabahala kung paano ninyo matatalo ang mga mas makapangyarihang bansang ito. Huwag kayong matatakot sa kanila. Alalahanin ninyo ang ginawa ni Yahweh sa Faraon at sa buong Egipto, ang malalagim na salot na kanyang ipinadala, at ang mga kababalaghang ipinakita niya nang ilabas niya kayo roon. Ganoon din ang gagawin niya sa mga taong iyan na kinatatakutan ninyo. Maliban diyan, si Yahweh na inyong Diyos ay magpapadala ng kaguluhan sa kanila hanggang sa lubusang malipol pati iyong mga nakapagtago at ang mga pugante. Hindi kayo dapat matakot sa kanila sapagkat kasama ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh, ang dakila at makapangyarihang Diyos. Unti-unti silang lilipulin ni Yahweh. Hindi sila uubusin agad at baka hindi ninyo makaya ang mababangis na hayop. Ngunit tiyak na ipapasakop sila sa inyo ni Yahweh. Sila'y lilituhin niya sa matinding takot hanggang sa lubusang malipol. Ipapabihag niya sa inyo ang kanilang mga hari. Ibabaon ninyo sila sa limot. Isa man sa kanila'y walang makakatalo sa inyo hanggang sa malipol ninyo sila. Sunugin ninyo ang kanilang mga diyus-diyosan. Huwag ninyong pagnanasaan ang mga pilak o gintong ginamit sa mga iyon sapagkat ito ang magiging patibong sa inyo dahil iyon ay kasuklam-suklam kay Yahweh. Huwag kayong mag-uuwi ng anumang bagay na kasuklam-suklam sapagkat iyon ang magiging dahilan ng inyong kapahamakan. Lahat ng tulad ng diyus-diyosan ay sinumpa, kaya, dapat ituring na kasuklam-suklam. “Sundin ninyong mabuti ang mga batas na ito na ibinigay ko sa inyo ngayon upang humaba ang inyong buhay, dumami ang inyong lahi, at kayo'y makarating sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno. Alalahanin ninyo kung paano niya kayo pinatnubayan sa ilang sa loob ng apatnapung taon upang matuto kayong magpakumbabá. Sinubok niya kayo kung susundin ninyo siya. Tinuruan nga kayong magpakumbabá; ginutom niya kayo bago binigyan ng manna, isang pagkaing hindi ninyo kilala ni ng inyong mga ninuno. Ginawa niya ito upang ipaunawa sa inyo na ang tao'y hindi lamang sa tinapay nabubuhay kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ni Yahweh. Sa loob ng apatnapung taon, hindi nasira ang inyong kasuotan ni hindi namaga ang inyong mga paa sa kalalakad. Itanim ninyo sa inyong isipan na kayo'y dinidisiplina ni Yahweh na inyong Diyos gaya ng pagdidisiplina ng isang ama sa kanyang anak. Kaya, matakot kayo sa kanya at sundin ang kanyang mga utos, sapagkat kayo'y dadalhin niya sa isang mainam na lupain, lupaing sagana sa tubig, maraming batis at bukal na umaagos sa mga burol at mga kapatagan. Sagana rin doon sa trigo, sebada, ubas, igos, bunga ng punong granada, olibo at pulot. Doon ay hindi kayo magkukulang ng pagkain o anumang pangangailangan. Ang mga bato roon ay makukunan ng bakal at makukunan ng mga tanso ang mga burol. Mabubusog kayo roon at pupurihin ninyo si Yahweh na inyong Diyos dahil sa masaganang lupaing ibinigay niya sa inyo. “Huwag ninyong kalilimutan si Yahweh na inyong Diyos. Sundin ninyo ang kanyang mga utos at mga tuntunin. Kung kayo'y namumuhay na nang sagana, nakatira na sa magagandang bahay, at marami nang alagang hayop, at marami nang naipong pilak at ginto, huwag kayong magmamalaki. Huwag ninyong kalilimutan si Yahweh na nagpalaya sa inyo mula sa pagkaalipin sa bansang Egipto. Siya ang pumatnubay sa inyo sa inyong paglalakbay sa malawak at nakakatakot na ilang na puno ng makamandag na mga ahas at alakdan. Nang wala kayong mainom, nagpabukal siya ng tubig mula sa isang malaking bato. Kayo'y pinakain niya roon ng manna, isang pagkaing hindi ninyo kilala. Pinaranas niya kayo ng hirap para kayo'y subukin, at turuang magpakumbabá; ang lahat ng iyo'y sa ikabubuti rin ninyo. Kaya, huwag na huwag ninyong iisipin na ang kayamanan ninyo'y bunga ng sariling lakas at kakayahan. Subalit alalahanin ninyong si Yahweh na inyong Diyos ang nagbibigay sa inyo ng lakas upang yumaman kayo. Ginagawa niya ito bilang pagtupad niya sa kanyang pangako sa inyong mga ninuno. Kapag siya'y tinalikuran ninyo at sumamba kayo sa diyus-diyosan, ngayon pa'y binabalaan ko na kayo na malilipol kayo. Kung hindi ninyo papakinggan ang kanyang tinig, malilipol kayo tulad ng nangyari sa mga bansang ipinalipol sa inyo ni Yahweh. “Pakinggan ninyo, O Israel: Ngayong araw na ito, tatawid kayo ng Jordan upang sakupin ang mga bansang makapangyarihan kaysa inyo at ang mga lunsod na napapaligiran ng matataas na pader. Malalaki at matataas ang mga tagaroon, mga higante. Hindi kaila sa inyo ang kasabihang: ‘Walang makakalupig sa angkan ng higante.’ Subalit pakatatandaan ninyo na ang Diyos ninyong si Yahweh ang nangunguna sa inyo tulad ng isang malakas na apoy. Sila'y kanyang gagapiin upang madali ninyo silang maitataboy gaya ng sinabi ni Yahweh. “Kung sila'y maitaboy na ni Yahweh alang-alang sa inyo, huwag ninyong iisipin na sila'y itinaboy dahil sa kayo'y matuwid. Ang totoo'y itinaboy sila ni Yahweh dahil sa kanilang kasamaan at hindi dahil sa kayo'y matuwid kaya mapapasa-inyo ang lupaing iyon. Itataboy sila ni Yahweh dahil sa kanilang kasamaan, at bilang pagtupad pa rin sa pangako niya sa mga ninuno ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob. “Kaya nga't pakatatandaan ninyo na ibinibigay ni Yahweh ang lupaing ito hindi dahil sa kayo'y matuwid; ang totoo'y lahi kayo ng matitigas ang ulo. Huwag ninyong kalilimutan kung bakit nagalit sa inyo si Yahweh nang kayo'y nasa ilang. Mula nang umalis kayo sa Egipto hanggang ngayon, wala na kayong ginawa kundi magreklamo. Noong kayo'y nasa Sinai, ginalit ninyo nang labis si Yahweh at pupuksain na sana niya kayo noon. Nang ako'y umakyat sa bundok at ibigay niya sa akin ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng kanyang kasunduan sa inyo, nanatili ako roon sa loob ng apatnapung araw at gabi. Hindi ako kumain ni uminom. Ibinigay niya sa akin ang dalawang tapyas ng batong sinulatan niya ng lahat ng kanyang sinabi sa inyo mula sa naglalagablab na apoy nang kayo'y nagkakatipon sa may paanan ng bundok. Pagkalipas ng apatnapung araw at gabing pananatili ko sa bundok, ibinigay niya sa akin ang nasabing mga tapyas ng bato. “Sinabi ni Yahweh sa akin, ‘Tumayo ka at puntahan mo agad ang mga taong pinangunahan mo sa paglabas sa Egipto. Sila'y nagpapakasama na. Lumihis sila sa daang itinuro ko sa kanila. Gumawa sila ng imahen at iyon ang sinasamba nila.’ “Sinabi pa sa akin ni Yahweh, ‘Talagang matigas ang ulo ng mga taong ito. Hayaan mo akong lipulin sila para mabura na ang alaala nila dito sa lupa, at sa iyo na magmumula ang isang bagong bansa na mas malaki at makapangyarihan kaysa kanila.’ “Kaya bumabâ ako mula sa nagliliyab na bundok, dala ang dalawang tapyas ng bato na kinasusulatan ng kasunduan. Nakita ko ang pagkakasalang ginawa ninyo laban kay Yahweh. Gumawa kayo ng guyang ginto, at lumihis sa daang itinuro niya sa inyo. Dahil dito, ibinagsak ko sa lupa ang dalawang tapyas ng batong dala ko, at nagkadurug-durog iyon sa harapan ninyo. Pagkatapos, nagpatirapa ako sa harapan ni Yahweh, at sa loob ng apatnapung araw at gabi hindi ako kumain ni uminom dahil sa mga kasalanan ninyo na labis na ikinagalit ni Yahweh. Natakot ako na baka sa tindi ng galit niya'y puksain kayo. Mabuti na lamang at pinakinggan niya ako. Galit na galit din siya kay Aaron, at ibig na rin niya itong patayin, kaya nanalangin ako para sa kanya. Pagkatapos, kinuha ko ang guyang ginawa ninyo. Sinunog ko ito at dinurog na parang alabok saka ko ibinuhos sa batis na nagmumula sa bundok. “Muli ninyong ginalit si Yahweh nang kayo'y nasa Tabera, Masah, at Kibrot-hataava. Nang kayo'y pinapapunta na niya mula sa Kades-barnea upang sakupin ang lupaing ibinigay niya sa inyo, naghimagsik na naman kayo. Hindi ninyo siya pinaniwalaan ni pinakinggan man. Simula nang makilala ko kayo ay lagi na lamang kayong naghihimagsik laban kay Yahweh. “Nagpatirapa muli ako sa harapan ni Yahweh sa loob ng apatnapung araw at gabi sapagkat nais na niya kayong puksain. Ito ang dalangin ko sa kanya: ‘Panginoong Yahweh, huwag po ninyong pupuksain ang bayang iniligtas ninyo at inilabas sa Egipto sa pamamagitan ng inyong walang kapantay na kapangyarihan. Alalahanin po ninyo ang mga lingkod ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob. Huwag na ninyong pansinin ang katigasan ng ulo ng sambayanang ito ni ang kanilang kasamaan o kasalanan sa inyo. Kapag sila'y pinuksa ninyo, sasabihin ng mga taong ipapasakop ninyo sa kanila na ang mga Israelita'y dinala ninyo sa ilang upang puksain; hindi ninyo sila maihatid sa lupaing ipinangako ninyo, sapagkat matindi ang galit ninyo sa kanila. Sila ang inyong bayang hinirang, ang bayang inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng inyong dakilang kapangyarihan.’ “Noon ay sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Magtapyas ka ng dalawang bato, tulad noong una, at gumawa ka ng kabang yari sa kahoy. Pagkatapos, umakyat ka sa bundok. Isusulat ko sa dalawang tapyas ng bato ang nakasulat sa unang dalawang tapyas na binasag mo. Pagkatapos, itago mo sa kaban.’ “Kaya gumawa ako ng kabang yari sa punong akasya, tumapyas ng dalawang batong katulad noong una at ako'y umakyat sa bundok. Isinulat nga ni Yahweh ang sampung utos sa dalawang tapyas ng bato. Ang sampung utos na ito ang sinabi niya sa inyo mula sa naglalagablab na apoy samantalang kayo'y nagkakatipon sa paanan ng bundok. Ang dalawang tapyas ng bato ay ibinigay sa akin ni Yahweh. Ako'y nagbalik mula sa bundok at inilagay ko sa kaban ang dalawang tapyas ng bato tulad ng utos sa akin ni Yahweh.” ( Ang mga Israelita'y naglakbay mula sa Jaacan hanggang Mosera. Doon namatay at inilibing si Aaron. Ang anak niyang si Eleazar ang pumalit sa kanya bilang pari. Mula roo'y nagtuloy sila sa Gudgoda, at sa Jotbata, isang lugar na may maraming batis. Noon pinili ni Yahweh ang mga Levita upang magbuhat ng Kaban ng Tipan, tumulong sa paglilingkod sa kanya, at magbasbas sa kanyang pangalan tulad ng ginagawa nila ngayon. Dahil dito, walang kaparte ang mga Levita sa lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. Si Yahweh ang bahagi nila, tulad ng pangako niya.) “Tulad noong una, apatnapung araw at gabi akong nanatili sa bundok at pinakinggan naman ako ni Yahweh. Dahil dito, hindi na niya itinuloy ang balak na pagpuksa sa inyo. Sinabi niya sa akin na pangunahan kayo sa paglalakbay at pagsakop sa lupaing ipinangako ko sa inyong mga ninuno. “Bayang Israel, ano nga ba ang nais ni Yahweh mula sa inyo? Ang gusto lang naman niya'y igalang ninyo siya, sundin ang kanyang mga utos, ibigin siya, paglingkuran ng buong puso't kaluluwa, at tuparin ang kanyang mga bilin at tuntunin. Ito rin naman ay para sa inyong kabutihan. Ang pinakamataas na langit, ang daigdig at ang lahat ng narito ay kay Yahweh. Ngunit sa laki ng pag-ibig niya sa inyong mga ninuno, kayong lahi nila ay pinili niya sa gitna ng maraming bansa. Kaya nga, maging masunurin kayo at huwag maging matigas ang inyong ulo. Sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ay Diyos ng mga diyos, Panginoon ng mga panginoon, makapangyarihan at kakila-kilabot, walang itinatangi, at hindi nasusuhulan. Binibigyan niya ng katarungan ang mga ulila at balo; minamahal niya ang mga dayuhan at binibigyan ng pagkain at damit. Ibigin ninyo ang mga dayuhan sapagkat kayo ma'y naging dayuhan din sa Egipto. Magkaroon kayo ng takot kay Yahweh. Siya lang ang inyong sambahin; huwag kayong hihiwalay sa kanya, at sa pangalan lamang niya kayo manunumpa. Siya lamang ang dapat ninyong purihin, siya ang inyong Diyos, ang gumawa ng marami at kakila-kilabot na mga bagay na inyong nasaksihan. Pitumpu lamang ang inyong mga ninuno nang pumunta sila sa Egipto ngunit ngayo'y pinarami kayo ng Diyos ninyong si Yahweh; sindami na kayo ng mga bituin sa langit. “Kaya nga, ibigin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh at sundin ninyong lagi ang lahat ng kanyang bilin, tuntunin, batas, at utos. Tandaan ninyo ngayon ang kanyang mga pagtutuwid sa inyo. Alam ninyo ito sapagkat nasaksihan mismo ninyo (hindi tulad ng inyong mga anak na hindi dumaan sa mga ito). Nakita ninyo ang kanyang kadakilaan at kapangyarihan, ang mga kababalaghan, at lahat ng ginawa niya sa Faraon at sa buong Egipto. Nasaksihan din ninyo ang ginawa niya sa buong hukbo ng Egipto pati sa kanilang mga karwahe't kabayo; nilunod sila ni Yahweh sa Dagat na Pula nang kayo'y habulin nila. Hindi rin kaila sa inyo ang ginawa niya nang kayo'y nasa ilang hanggang makarating kayo sa lugar na ito. Nakita ninyo ang ginawa niya kina Datan at Abiram, mga anak ni Eliab at apo ni Ruben. Pinabuka ni Yahweh ang lupa at ipinalamon sila nang buháy, pati na ang kanilang mga kasama at sambahayan, at lahat ng bagay na kaugnay ng kanilang ginawa. Kitang-kita ng inyong mga mata ang lahat ng mga kababalaghang ginawa ni Yahweh. “Kaya't sundin ninyo ang lahat ng utos niya na ipinapaalala ko sa inyo ngayon upang magkaroon kayo ng lakas na sakupin at ariin ang lupaing papasukin ninyo. Dahil dito, mabubuhay kayo nang matagal sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno, at sa kanilang magiging lahi—ang lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay. Ang lupaing titirhan ninyo ay hindi tulad ng lupaing iniwan ninyo sa Egipto. Doon, ang hinahasikan ninyo ay kailangang patubigan at diligin tulad ng hardin. Ngunit ang lupaing pupuntahan ninyo ay laging inuulan, maraming burol at malawak ang mga kapatagan. Ang lupaing iyon ay palaging inaalagaan at binabantayan ng Diyos ninyong si Yahweh. “Kaya nga, kung susundin lamang ninyo ang utos na sinasabi ko sa inyo ngayon: Ibigin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh at paglingkuran nang buong puso't kaluluwa, sa tamang panahon ay pauulanin niya sa lupaing iyon, at magiging sagana kayo sa pagkain, inumin at langis. Pananatilihin niyang sariwa ang damo para sa inyong mga alagang hayop upang kayo'y sumagana sa lahat ng bagay. Ngunit mag-ingat kayo! Huwag kayong padadaya. Huwag kayong sasamba ni maglilingkod sa mga diyus-diyosan. Kapag tinalikuran ninyo si Yahweh, kapopootan niya kayo. Isasara niya ang langit at hindi ito pauulanin. Kapag nangyari ito, mamamatay ang inyong mga pananim, at malilipol kayo sa mabuting lupaing ibinigay niya sa inyo. “Itanim nga ninyo ang mga utos na ito sa inyong mga puso't kaluluwa. Ipulupot ninyo ito sa inyong mga kamay bilang tanda, at itali sa inyong noo. Ituro ninyo ito sa inyong mga anak; pag-aralan ninyo ito sa inyong tahanan, sa inyong paglalakbay, sa inyong pagtulog sa gabi, at sa inyong pagbangon sa umaga. Isulat ninyo ito sa mga hamba ng pintuan ng inyong bahay at tarangkahan upang kayo at ang inyong mga anak ay mabuhay nang matagal sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa inyong mga ninuno. Mananatili kayo roon hangga't ang langit ay nasa ibabaw ng lupa. “Kapag sinunod ninyong mabuti ang kanyang mga utos, inibig siya nang tapat, sinundan ang kanyang mga landas, at nanatili kayo sa kanya, palalayasin niya ang mga tao sa lugar na titirhan ninyo. Masasakop ninyo ang lupain ng mga bansang mas malalaki at malalakas kaysa inyo. Kung magkaganoon, ibibigay niya sa inyo ang lahat ng lupang matapakan ninyo; masasakop ninyo mula sa ilang hanggang Lebanon, at mula sa Ilog Eufrates sa gawing silangan hanggang Dagat Mediteraneo sa gawing kanluran. Walang makakatalo sa inyo. Tulad ng pangako ng Diyos ninyong si Yahweh, sisidlan niya ng matinding takot ang lahat sa lupaing pupuntahan ninyo. “Sa araw na ito, binibigyan ko kayo ng pamimilian: pagpapala o sumpa. Pagpapala kapag sinunod ninyo ang kanyang mga utos, ngunit sumpa kapag sumamba kayo sa ibang diyos sa halip na sumunod sa kanyang mga utos. Kapag nadala na kayo ni Yahweh sa lupaing inyong sasakupin at aariin, ang pagpapala ay bibigkasin ninyo sa Bundok ng Gerizim at ang sumpa'y sa Bundok ng Ebal. Ang mga ito'y nasa silangan ng Jordan, sa tapat ng Gilgal, sa tabi ng Encinar ng Moreh, sa lansangang pakanluran, sa lupain ng mga Cananeo sa Araba. Malapit na kayong tumawid ng Jordan upang sakupin ang lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh. Pagdating ninyo roon, sundin ninyong mabuti ang lahat ng mga utos at tuntuning inilahad ko ngayon sa inyo. “Ito ang mga tuntunin na kailangan ninyong sundin sa buong panahon ng inyong paninirahan sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno. Gibain ninyo ang lahat ng lugar na pinagdarausan ng pagsamba ng mga tao roon sa kanilang mga diyus-diyosan: sa itaas ng mga bundok, sa mga burol, at sa lilim ng mga punongkahoy. Gibain ninyo ang kanilang mga altar, pagputul-putulin ang kanilang mga sinasambang haligi, sunugin ang mga imahen ng kanilang diyosang si Ashera, durugin ang kanilang mga diyus-diyosan, at alisin sa lugar na iyon ang anumang bakas nila. “At sa pagsamba ninyo sa Diyos ninyong si Yahweh, huwag kayong tutulad sa kanila na sumasamba sa kanilang mga diyus-diyosan kahit saan maibigan. Sa halip, hanapin ninyo ang lugar na pipiliin ni Yahweh sa lupain ng isa sa inyong mga lipi; doon lamang niya ipahahayag ang kanyang pangalan at iyon ang ituturing niyang tahanan. Doon ninyo siya sasambahin at doon iaalay ang inyong mga handog na susunugin at iba pang handog tulad ng ikasampung bahagi, handog mula sa inyong ani, pangakong handog, kusang handog, ang mga unang bunga ng pananim, at ang panganay na anak ng inyong mga alagang hayop. Doon din kayo magsasalu-salo sa harapan ni Yahweh na inyong Diyos bilang pasasalamat sa mga pagpapala niya sa inyo. “Hindi na ninyo magagawa roon ang ginagawa ninyo rito ngayon. Nagagawa ninyo ngayon ang anumang magustuhan ninyo, sapagkat wala pa kayo sa lupaing ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh. Ngunit pagkatawid ninyo ng Jordan, kapag kayo'y nasa lupaing inyong pupuntahan, nalipol na ninyo ang inyong mga kaaway, at panatag na ang inyong pamumuhay, iba na ang inyong gagawin. Ialay ninyo sa lugar na pipiliin ni Yahweh ang inyong mga handog na susunugin at iba pang handog, tulad ng ikapu, handog mula sa inyong mga ani, at mga pangakong handog. Magdiwang kayo sa harapan ni Yahweh, kasama ang inyong mga anak at mga alipin. Isama rin ninyo ang mga Levita, sapagkat hindi sila kasama sa paghahati ng lupain. Ngunit huwag na huwag kayong magsusunog ng handog kahit saan ninyo maibigan. Doon lamang ninyo iaalay ang mga handog na susunugin at gagawin ang lahat ng iniuutos ko sa inyo sa lugar na pipiliin ni Yahweh mula sa lupain ng isa sa inyong mga lipi. “Kahit saan ay maaari kayong magpatay ng hayop at maaaring kumain ng karne nito hanggang gusto ninyo, katulad ng pagkain ng usa. Maaaring kumain nito pati ang mga itinuturing na marumi. Ngunit huwag ninyong kakainin ang dugo; kailangang patuluin ito sa lupa. Hindi rin ninyo maaaring kainin sa inyong mga tirahan ang mga ito: ang ikasampung bahagi ng inyong mga ani, alak at langis, ang panganay na anak ng inyong mga hayop, ang pangakong handog, kusang handog, at iba pang handog. Ang mga ito ay maaari lamang ninyong kainin sa harapan ng Diyos ninyong si Yahweh, sa lugar na pipiliin niya. Maaari ninyong makasalo ang inyong mga anak, mga alipin at ang mga Levita bilang pagdiriwang dahil sa pagpapala sa inyo ni Yahweh. Huwag ninyong pababayaan ang mga Levita habang kayo'y nasa inyong lupain. “Kapag napalawak na ni Yahweh ang lupaing nasasakop ninyo at ibig na ninyong kumain ng karne, maaari kayong kumain hanggang gusto ninyo. Kung kayo'y malayo sa lugar ng pagsamba na pinili niya, maaari ninyong patayin ang isa sa inyong mga hayop, at kainin tulad ng pagkain ng usa. Lahat ay maaari nang kumain, maging ang taong itinuturing na malinis o marumi. Ngunit huwag ninyong kakainin ang dugo sapagkat nasa dugo ang buhay; ang sangkap ng buhay ay hindi dapat kainin. Huwag na huwag ninyong kakainin ang dugo, sa halip ay patuluin ito sa lupa. Huwag ninyong kakainin iyon; magiging maganda ang buhay ninyo at ng inyong mga anak kung gagawin ninyo ang naaayon sa kagustuhan ni Yahweh. Ang lahat ng handog na dapat ninyong ibigay at ang inyong pangakong handog ay dadalhin ninyo sa lugar na pipiliin niya. Ang inyong mga handog na susunugin, laman at dugo, ay ihahain ninyo sa altar niya. Ibubuhos ninyo sa altar ang dugo, at ang laman ay maaari ninyong kainin. Sundin ninyong mabuti ang mga tagubilin ko sa inyo at magiging maganda ang buhay ninyo at ng inyong mga anak sa habang panahon, sapagkat ang pagsunod na ito'y tama at katanggap-tanggap kay Yahweh na inyong Diyos. “Kapag napalayas na ng Diyos ninyong si Yahweh ang mga tao sa lupaing iyon at kayo na ang nakatira roon, huwag ninyong tutularan ang kasuklam-suklam nilang gawain. Huwag na ninyong alamin pa kung paano sila sumamba sa mga diyos nila, baka gayahin pa ninyo ang mga iyon. Huwag ninyong gagawin kay Yahweh ang karumal-dumal na gawain nila sa pagsamba sa kanilang diyus-diyosan gaya ng pagsusunog ng kanilang anak bilang handog. “Sundin ninyong mabuti ang lahat ng iniutos ko sa inyo. Huwag ninyo itong daragdagan ni babawasan. “Kung sa inyo'y may lumitaw na propeta o nagbibigay ng kahulugan sa mga panaginip, at nagpakita siya ng kababalaghan o kaya'y nagkatotoo ang kanyang pahayag, subalit hinihikayat kayong sumamba sa mga diyus-diyosang hindi naman ninyo kilala, huwag kayong makikinig sa kanya. Pagsubok lamang iyon ni Yahweh sa inyo kung talagang iniibig ninyo siya nang buong puso't kaluluwa. Si Yahweh lamang ang inyong sundin. Matakot kayo sa kanya at sundin ninyo ang kanyang mga utos. Paglingkuran ninyo siya, at manatili kayong tapat sa kanya. At ang propetang iyon o ang nagbibigay ng kahulugan sa panaginip ay dapat patayin sapagkat inuudyukan niya ang mga tao upang maghimagsik kay Yahweh na inyong Diyos, na siyang nagligtas sa inyo sa pagkaalipin sa Egipto; hinihikayat nila kayong iwan ang daang itinuro niya sa inyo. Iyan ay masama at dapat ninyong iwasan. “Sinuman ang lapitan ng kanyang kapatid, anak, asawa, o matalik na kaibigan upang lihim na hikayating sumamba at maglingkod sa mga diyus-diyosang hindi naman ninyo kilala, o kaya'y sa diyus-diyosan sa lupaing pupuntahan ninyo, maging malapit o malayo, huwag ninyo siyang papakinggan. Huwag ninyo siyang kaaawaan, o pagtatakpan. Sa halip, patayin ninyo siya. Ang nilapitan ang unang babato sa kanya, pagkatapos ay ang taong-bayan. Batuhin ninyo siya hanggang mamatay sapagkat hinikayat niya kayong tumalikod kay Yahweh na inyong Diyos at siyang nagligtas sa inyo sa pagkaalipin sa Egipto. Kapag ito'y napabalita sa buong Israel, wala nang mangangahas pang gumawa ng ganoon, at magkakaroon ng takot ang lahat. “Kapag nabalitaan ninyo na sa alinman sa mga lunsod na ibinigay sa inyo ni Yahweh ay may manlilinlang, at nanghihikayat sa mga tagaroon upang sumamba at maglingkod sa mga diyus-diyosang hindi naman ninyo kilala, siyasatin ninyo itong mabuti. Kapag napatunayan ninyong totoo, patayin ninyong lahat ang tagaroon, maging ang kanilang mga alagang hayop. Ang lahat ng masamsam ninyo roon ay ipunin ninyo sa liwasan at sunugin pati ang buong lunsod upang maging handog kay Yahweh. Ang lugar na iyon ay hahayaan ninyong ganoon at hindi na dapat itayo pang muli. Huwag kayong kukuha ng anumang ipinagbabawal sa inyo para hindi magalit si Yahweh sa inyo. Mahahabag siya sa inyo, at kayo'y kanyang pararamihin, tulad ng pangako niya sa inyong mga ninuno, kung papakinggan ninyo ang tinig ng Diyos ninyong si Yahweh, susundin ang kanyang mga utos, at patuloy na gagawin ang ayon sa kanyang kalooban. “Kayo ang mga anak ng Diyos ninyong si Yahweh. Kung ang isang mahal sa buhay ay mamatay, huwag ninyong hihiwaan ang inyong sarili ni aahitan ang inyong noo upang ipakita lamang na kayo'y nagluluksa. Kayo ay bansang itinalaga kay Yahweh. Hinirang niya kayo sa lahat ng bansa upang maging kanyang sariling bayan. “Huwag kayong kakain ng anumang bagay na marumi. Ito ang mga hayop na maaari ninyong kainin: baka, tupa, kambing, usa, gacela, kambing bundok, antilope, at tupang bundok. Maaari rin ninyong kainin ang lahat ng hayop na biyak ang kuko at ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura. Ngunit huwag ninyong kakainin ang mga hayop na biyak ang kuko ngunit hindi ngumunguya ng pagkain mula sa sikmura. Huwag din ninyong kakainin iyong ngumunguya ngunit hindi biyak ang kuko, tulad ng kamelyo, kuneho, at dagang bukid. Ang mga ito ay marurumi. Ang baboy ay dapat ding ituring na marumi sapagkat biyak man ang kuko, hindi naman ito ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura. Huwag ninyo itong kakainin ni hahawakan ang kanilang bangkay. “Sa mga nilikha sa tubig, ang lahat ng may palikpik at kaliskis ay maaari ninyong kainin. Huwag ninyong kakainin ang mga walang kaliskis at walang palikpik; ito ay marurumi. “Lahat ng kulisap na may pakpak ay marurumi. Huwag ninyong kakainin ang mga ito. Maaari ninyong kainin ang anumang malilinis na ibon maliban sa mga nabanggit. “Huwag ninyong kakainin ang anumang hayop na basta na lamang namatay. Maaari ninyo itong ibigay o ipagbili sa mga dayuhang naninirahang kasama ninyo. Ito'y sa dahilang kayo'y sambayanang inilaan sa Diyos ninyong si Yahweh. “Huwag kayong maglalaga ng tupa o batang kambing sa gatas ng sarili nitong ina. “Kukunan ninyo ng ikasampung bahagi ang inyong ani taun-taon. Ang ikasampung bahagi ng inyong ani, alak, langis, at ang panganay ng inyong mga alagang hayop ay doon ninyo kakainin sa lugar na pipiliin ng Diyos ninyong si Yahweh upang siya'y inyong maparangalan. Kung malayo ang lugar na pipiliin niya at magiging mahirap dalhin doon ang ikasampung bahagi ng inyong ani, ipagbili ninyo iyon, at dalhin ang pinagbilhan sa lugar na pinili niya. Pagdating doon, bumili kayo ng anumang gusto ninyo: baka, tupa, alak, o inuming nais ninyo at siya ninyong pagsalu-saluhang mag-anak bilang pagdiriwang sa harapan ng Diyos ninyong si Yahweh. Ngunit huwag ninyong kalilimutang bigyan ang mga Levita sa inyong lugar, yamang sila'y walang kaparte sa lupaing minana ninyo. “Tipunin ninyo ang ikasampung bahagi ng inyong ani tuwing ikatlong taon. Ito ay ibibigay ninyo sa mga Levita yamang wala silang kaparte sa inyong lupain. Bibigyan din ninyo ang mga dayuhang kasama ninyo, ang mga ulila, at ang mga balo. Kapag ginawa ninyo ito, pagpapalain kayo ni Yahweh sa lahat ng inyong mga gawain. “Ang bawat ikapitong taon ay gagawin ninyong taon ng pagpapatawad sa mga may utang sa inyo. Ganito ang inyong gagawin: huwag na ninyong sisingilin ang kababayan ninyong may utang sa inyo, sapagkat ito'y taon ng pagpapatawad na itinakda ni Yahweh. Ang mga dayuhan lamang ang sisingilin ninyo, at hindi ang inyong mga kababayan. “Walang maghihirap sa inyo sa lupaing ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh sapagkat tiyak na pagpapalain niya kayo kung makikinig kayo sa kanyang tinig at susunod sa kanyang mga utos na sinasabi ko sa inyo ngayon. Nangako si Yahweh na kayo'y pagpapalain niya. Hindi na kayo mangungutang kaninuman, sa halip ay kayo ang magpapautang sa maraming bansa. Hindi kayo masasakop ng sinuman, sa halip ay kayo ang mananakop sa maraming bayan. “Pagdating ninyo sa lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh, huwag ninyong pagkakaitan ng tulong ang mga kababayan ninyong nangangailangan. Sa halip, ibukas ninyo sa kanila ang inyong mga palad at pahiramin sila ng anumang kailangan. Huwag ninyong pagdadamutan ang inyong kababayan kapag nangungutang siya sa panahong malapit na ang ikapitong taon, ang taon ng pagpapatawad. Kapag sila'y tinanggihan ninyo at dumaing sila kay Yahweh, mananagot kayo sa kanya. Pahiramin ninyo sila nang maluwag sa inyong kalooban at pagpapalain kayo ni Yahweh sa lahat ng inyong gagawin. Kailanma'y hindi kayo mawawalan ng mga kababayang mangangailangan, kaya sinasabi ko sa inyong ibukas ninyo ang inyong mga palad sa kanila. “Kapag nakabili kayo ng kapwa ninyong Israelita bilang alipin, babae o lalaki man, anim na taon siyang maglilingkod sa inyo. Pagdating ng ikapitong taon, palalayain na ninyo siya at huwag ninyo siyang paaalisin nang walang dala. Sa halip, bibigyan ninyo siya ng tupa, trigo, inumin at langis, mula sa mga ipinagkaloob sa inyo ni Yahweh. Alalahanin ninyong naging alipin din kayo sa Egipto at mula roo'y pinalaya kayo ng Diyos ninyong si Yahweh, kaya iniuutos ko ito ngayon sa inyo. Ngunit kung gusto niyang manatili dahil sa pagmamahal niya sa inyo at sa inyong sambahayan, dalhin ninyo siya sa may pintuan at butasan ang kanyang tainga. Sa gayon, siya'y magiging alipin ninyo habang buhay. Ganito rin ang gagawin ninyo sa mga aliping babae. Hindi kayo dapat manghinayang sa ibibigay ninyo sa kanya kung aalis siya sapagkat ang ibibigay ninyo'y katumbas lamang ng upa sa isang manggagawang nagtrabaho nang tatlong taon. Gawin ninyo ito at pagpapalain ng Diyos ninyong si Yahweh ang lahat ng inyong gagawin. “Lahat ng panganay na lalaki ng inyong mga alagang hayop ay ibubukod ninyo para kay Yahweh; huwag ninyo itong pagtatrabahuhin ni gugupitan. Ito ay kakainin ninyo sa harapan ni Yahweh, sa lugar na pipiliin niya. Ngunit kung may kapansanan ang panganay na hayop, bulag o pilay, huwag ninyo itong ihahandog kay Yahweh na inyong Diyos. Ito'y maaaring kainin sa bahay, tulad ng pagkain ninyo sa isang usa. Pati ang taong itinuturing na marumi ay maaaring kumain nito. Huwag ninyong kakainin ang dugo; kailangang patuluin ito sa lupa. “Ipagdiwang ninyo ang unang buwan at ganapin ang Paskwa para kay Yahweh na inyong Diyos, sapagkat unang buwan nang ilabas niya kayo sa Egipto. Mag-aalay kayo ng tupa o baka bilanghandog na pampaskwa sa lugar na pipiliin niya. Sa pagkain ninyo ng handog na ito, huwag ninyong sasamahan ng tinapay na may pampaalsa; sa loob ng pitong araw, ang kakainin ninyo ay tinapay na walang pampaalsa, ang tinapay ng pagtitiis. Gagawin ninyo ito bilang pag-alala sa inyong pag-alis sa Egipto. Sa loob ng pitong araw na iyon, hindi dapat magkaroon ng pampaalsa sa nasasakupan ng inyong lupain. Huwag din ninyong pababayaang umagahin ang kahit kapiraso ng inihandog ninyo sa gabi. Ang paghahandog ay huwag ninyong gagawin sa loob ng inyu-inyong bayan, kundi sa lugar lamang na pipiliin ni Yahweh. Ito'y iaalay ninyo paglubog ng araw, sa oras ng pag-alis ninyo noon sa Egipto. Doon ninyo ito iluluto at kakainin sa lugar na pipiliin niya. Kinaumagahan, babalik na kayo sa inyu-inyong tolda. Anim na araw na hindi kayo kakain ng tinapay na may pampaalsa. Sa ikapitong araw, magdaraos kayo ng banal na pagpupulong; sinuma'y huwag magtatrabaho sa araw na iyon. “Pagkalipas ng pitong linggo mula sa unang araw ng paggapas, ipagdiriwang ninyo ang Pista ng mga Sanlinggo. Sa araw na iyon, dalhin ninyo kay Yahweh na inyong Diyos ang inyong kusang handog mula sa inyong ani, ayon sa dami ng pagpapala niya sa inyo. Kasama ninyo sa pagdiriwang ang inyong sambahayan, mga alipin, ang mga Levitang kasama ninyo, ang mga dayuhan, ang mga ulila, at ang mga babaing balo; gaganapin ninyo ito sa lugar na pipiliin ni Yahweh. Huwag ninyong kalilimutang kayo'y naging alipin din sa Egipto, kaya't sundin ninyong mabuti ang kanyang mga tuntunin. “Pitong araw na ipagdiriwang ninyo ang Pista ng mga Tolda, matapos iligpit sa kamalig ang inyong inani at mailagay sa imbakan ang katas ng ubas. Isasama ninyo sa pagdiriwang na ito ang inyong mga anak, mga alipin, ang mga Levita, mga dayuhan, mga ulila, at mga babaing balo. Pitong araw kayong magpipista sa lugar na pipiliin ni Yahweh; pagpapalain niya ang inyong mga pananim at lahat ng inyong gagawin para makapagdiwang kayong lahat. “Sa loob ng isang taon, ang inyong kalalakihan ay tatlong beses haharap kay Yahweh: tuwing Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, Pista ng mga Sanlinggo, at Pista ng mga Tolda. Magdadala sila ng handog tuwing haharap, ayon sa kanilang makakaya, ayon sa dami ng pagpapalang tinanggap ninyo mula kay Yahweh na inyong Diyos. “Pumili kayo ng mga hukom at ng iba pang pinuno para sa bawat bayan, ayon sa inyong mga lipi. Sila ang magpapasya sa inyong mga usapin at maggagawad ng katarungan. Huwag ninyong pipilipitin ang katarungan at huwag kayong magtatangi ng tao ni tatanggap ng suhol sapagkat ang suhol ay bumubulag sa matatalino at nagpapahamak sa mga taong matuwid. Katarungan lamang ang inyong paiiralin, at kayo'y mabubuhay nang matagal sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. “Huwag kayong magtatayo ng haligi bilang rebulto ng diyosang si Ashera sa tabi ng altar na gagawin ninyo para kay Yahweh na inyong Diyos. At huwag kayong gagawa ng rebultong sasambahin sapagkat iyon ay kasuklam-suklam sa kanya. “Huwag kayong maghahandog ng baka o tupang may kapintasan o kapansanan sapagkat kasuklam-suklam iyon kay Yahweh na inyong Diyos. “Sinuman sa inyo ang matuklasang gumagawa ng masama laban kay Yahweh na inyong Diyos at sumisira sa ating kasunduan kay Yahweh, naglilingkod at sumasamba sa mga diyus-diyosan, sa araw, sa buwan o sa mga bituin Ang hatol na kamatayan ay igagawad kung may dalawa o tatlong saksi na nagpapatotoo; hindi sapat ang patotoo ng isang saksi. Ang mga saksi ang unang babato sa nagkasala, saka ang taong-bayan. Sa ganitong paraan ay aalisin ninyo sa inyong sambayanan ang kasamaang tulad nito. “Kung sa lugar ninyo ay may mabigat na usapin at hindi ninyo kayang lutasin, tulad ng patayan, pang-aapi o pananakit, pumunta kayo sa lugar na pinili ni Yahweh. Iharap ninyo ito sa mga paring Levita o hukom na nanunungkulan sa panahong iyon, at sila ang hahatol. Tanggapin ninyo ang anumang ihatol nila sa inyo at sunding lahat ang kanilang tagubilin. Kung ano ang sabihin nila, siya ninyong gawin; huwag kayong lalabag sa anumang pasya nila. Papatayin ang sinumang hindi susunod sa katuruan ng pari o sa hatol ng hukom. Sa ganitong paraan ninyo aalisin ang kasamaan sa inyong sambayanan. Kapag ito'y nabalitaan ng lahat, matatakot silang gumawa ng gayunding kasamaan. “Kapag kayo'y naroon na at naninirahan nang maayos sa lupaing ibibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh, makakaisip kayong magkaroon ng hari, tulad ng mga bansa sa paligid ninyo. Maaari kayong maglagay ng hari, ngunit ang ilalagay ninyo ay iyong pinili ni Yahweh at mula sa inyong lahi. Huwag ninyong gagawing hari ang sinumang dayuhan. Ang gagawin ninyong hari ay hindi dapat magparami ng kabayo para sa kanyang sarili; hindi rin niya maaaring iutos sa iba na magbalik sa Egipto para ikuha siya ng maraming kabayo, sapagkat ipinag-utos ni Yahweh, na huwag nang bumalik pa roon. Hindi siya dapat mag-asawa ng marami at baka siya makalimot kay Yahweh; ni hindi siya dapat magpayaman sa panahon ng paghahari. Kapag siya'y nakaupo na sa trono, gagawa siya ng isang kopya ng mga kautusang ito na nasa pag-iingat ng mga paring Levita. Ito ay para sa kanya at babasahin niya araw-araw upang magkaroon siya ng takot kay Yahweh na kanyang Diyos at upang buong puso niyang masunod ang mga kautusan at mga tuntunin ni Yahweh, upang hindi siya magmalaki sa kanyang mga kababayan, at upang hindi siya lilihis sa mga tuntuning ito. Kung magkagayon, siya at ang kanyang mga anak ay maghahari nang matagal sa Israel. “Ang mga paring Levita, ang buong lipi ni Levi ay walang mamanahing bahagi sa lupain ng Israel. Ang para sa kanila ay ang mga kaloob at handog kay Yahweh. Wala silang bahagi sa lupain tulad ng ibang lipi sa Israel; si Yahweh ang kanilang bahagi, gaya ng kanyang pangako. “Ang mga ito ang nakalaan para sa mga pari mula sa handog kay Yahweh, maging baka o tupa: ang mga balikat, ang mga pisngi at ang tiyan; ang unang ani ng mga pananim, ng alak, ng langis, at ang unang pinaggupitan ng inyong mga tupa. Ang lipi ni Levi ang pinili ni Yahweh upang maglingkod sa kanya bilang mga pari habang panahon. “Sakaling may Levita mula sa alinmang bayan ng lupain na kusang magpunta sa lugar na pinili ni Yahweh upang sumamba, maaaring maglingkod doon ang Levita kasama ng kapwa niya Levita. Siya ay bibigyan doon ng kanyang bahaging kasindami ng ibibigay sa mga Levita na dating naglilingkod doon, bukod sa bahagi niya mula sa mana ng kanyang ama. “Kapag kayo'y naroon na sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, huwag kayong gagaya sa kasuklam-suklam na gawain ng mga tao roon. Sinuman sa inyo'y huwag magsusunog ng kanyang anak bilang handog. Huwag kayong manghuhula, huwag gagawin ang ginagawa ng mga mangkukulam, ng mga mananawas, at ng mga sumasangguni sa mga espiritu ng namatay. Sinumang gumawa ng alinman sa mga ito ay kasusuklaman ni Yahweh na inyong Diyos. Pakatatandaan ninyo na iyan ang dahilan kaya niya itataboy ang mga nakatira sa lupaing pupuntahan ninyo. Lubos kayong maging tapat sa Diyos ninyong si Yahweh. Ang mga bansang inyong sasakupin ay sumusunod sa mga manghuhula at mga naniniwala sa mga agimat. Subalit ang mga ito ay ipinagbabawal sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh. “Mula sa inyo, si Yahweh na inyong Diyos ay pipili para sa inyo ng isang propetang katulad ko. Dapat kayong makinig sa kanya. Ito ang kasagutan sa hiling ninyo kay Yahweh nang kayo'y nagkakatipon sa Sinai. Ang sabi ninyo, ‘Huwag mo nang iparinig pang muli sa amin ang tinig ni Yahweh ni ipakita ang kakila-kilabot na apoy na ito sapagkat tiyak na mamamatay kami.’ Sinabi naman niya sa akin, ‘Tama ang sabi nila, kaya mula sa kanila, pipili ako para sa kanila ng isang propetang katulad mo. Sasabihin ko sa kanya ang aking kalooban, at siya ang magsasabi nito sa mga tao. Sinumang hindi makinig sa kanya na nagsasalita para sa akin ay mananagot sa akin. Ngunit ang sinumang propetang magsalita para sa ibang diyos o kaya'y magkunwaring nagsasalita para sa akin subalit hindi ko naman inatasan, ang propetang tulad niyon ay dapat patayin.’ “Upang matiyak ninyo kung ang sinabi ng propeta ay galing kay Yahweh o hindi, ito ang palatandaan: kapag hindi nangyari o nagkatotoo ang sinabi niya, iyon ay hindi mula kay Yahweh; ang mensahe niya ay gawa-gawa lamang niya. Huwag ninyo siyang katatakutan. “Kapag nalipol na ni Yahweh na inyong Diyos ang mga mamamayan sa lupaing ibinigay niya sa inyo, at kayo na ang nakatira roon, magbukod kayo ng tatlong lunsod. Gagawan ninyo iyon ng mga kalsada. Hatiin ninyo sa tatlo ang buong lupaing ibibigay ni Yahweh sa inyo. Sa bawat bahagi ay maglagay kayo ng lunsod-kanlungan na siyang tatakbuhan ng sinumang makapatay nang hindi sinasadya. “Ito ang tuntunin ukol sa sinumang nakapatay ng tao nang hindi sinasadya o hindi dahil sa away. Halimbawa: sinumang nagpuputol ng kahoy sa gubat, tumilapon ang talim ng kanyang palakol, at tinamaan ang kasama niya. Kung namatay ang tinamaan, ang nakapatay ay maaaring magtago at manirahan sa isa sa mga lunsod na ito. Kung hindi siya makakapagtago agad dahil malayo ang lunsod-kanlungan, baka siya ay patayin ng kamag-anak ng namatay bilang paghihiganti dahil sa bugso ng damdamin. Hindi dapat patayin ang sinumang nakapatay sa ganitong paraan sapagkat hindi naman dahil sa alitan at hindi rin sinasadya ang pagkapatay. Iyan ang dahilan kaya ko kayo pinagbubukod ng tatlong lunsod. “Kapag pinalawak na ng Diyos ninyong si Yahweh ang inyong nasasakupan sa lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno, at kapag naibigay na niya nang buong-buo ang lupang kanyang ipinangako, maaari kayong magbukod ng tatlo pang lunsod kung susundin ninyong mabuti ang lahat ng kanyang utos, at iibigin siya nang tapat. (Pahihintulutan ito ni Yahweh kung buong sipag ninyong susundin ang kanyang mga tuntunin, kung siya ay buong puso ninyong iibigin, at kung lalakad kayo ayon sa kanyang kalooban.) Sa ganitong paraan, maiiwasan ang pagdanak ng dugo ng mga taong walang kasalanan. Ang kamatayan ng walang sala ay pananagutan ninyo kay Yahweh sa lupaing ibinibigay niya sa inyo. “Kung ang pagpatay ay binalak o dahil sa alitan at ang nakapatay ay tumakbo sa isa sa mga lunsod na ito, ipadarakip siya ng pinuno ng kanyang bayan at ibibigay siya sa pinakamalapit na kamag-anak ng napatay upang patayin din. Huwag ninyo siyang kaaawaan. Kailangang alisin sa Israel ang mamamatay-taong tulad nito. Sa ganoon, makakapamuhay kayo nang matiwasay. “Huwag ninyong gagalawin ang mga batong palatandaan ng hangganan ng lupa ng inyong kapwa. Inilagay ng inyong mga ninuno ang mga palatandaang iyon sa lupaing ibinibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh. “Hindi sapat ang patotoo ng isang saksi upang mahatulang nagkasala ang isang tao. Kailangan ang patotoo ng dalawa o tatlong saksi. Kapag ang isang taong may masamang hangarin ay nagbintang nang hindi totoo sa kanyang kapwa, silang dalawa'y pupunta sa lugar na pinili ni Yahweh at haharap sa mga pari at sa mga hukom na nanunungkulan. Sisiyasatin silang mabuti ng mga hukom at kapag napatunayang kasinungalingan ang bintang, ang parusang hinahangad niya sa kanyang pinagbintangan ay sa kanya igagawad. Alisin ninyo ang ganyang kasamaan sa inyong sambayanan. Kapag ito'y nabalitaan ng lahat, matatakot silang gumawa ng ganoong kasamaan. Huwag kayong maaawa sa ganitong uri ng tao. Kung ano ang inutang, iyon din ang kabayaran; buhay sa buhay, mata sa mata, ngipin sa ngipin, kamay sa kamay, paa sa paa. “Kung kayo'y makikipagdigma, huwag kayong matatakot kahit na mas malaki ang hukbong kalaban ninyo at mas marami ang kanilang kabayo at karwahe, sapagkat kasama ninyo si Yahweh, ang Diyos na naglabas sa inyo sa Egipto. Bago kayo makipaglaban, tatayo ang isang pari sa unahan ng hukbo at sasabihin niya ang ganito: ‘Pakinggan mo, Israel! Sa araw na ito ay makikipagdigma ka. Lakasan mo ang iyong loob at huwag kang matakot sapagkat kasama mo ang Diyos mong si Yahweh; siya ang makikipaglaban para sa iyo at pagtatagumpayin ka niya.’ Ganito naman ang sasabihin ng mga pinunong kawal: ‘Sinuman ang may bagong bahay subalit hindi pa ito naitatalaga ay maaari nang umuwi; baka siya'y mamatay sa labanan at iba pa ang tumira sa bahay niya. Sinuman ang may bagong ubasan subalit hindi pa nakakatikim ng bunga niyon ay maaari nang umuwi; baka siya'y mamatay sa labanan at iba pa ang makinabang sa kanyang ubasan. Sinuman sa inyo ang nakatakdang ikasal subalit hindi pa nagsasama ay maaari nang umuwi; baka siya'y mamatay sa labanan at iba pa ang magpakasal sa kanyang minamahal. Sinuman sa inyo ang natatakot o naduduwag ay maaari nang umuwi; baka maduwag ding kagaya niya ang iba.’ Matapos itong sabihin ng mga pinunong kawal, maglalagay sila ng mga mangunguna sa bawat pangkat. “Bago ninyo salakayin ang isang lunsod, alamin muna ninyo kung gusto nilang sumuko. Kapag binuksan nila ang pintuan ng kanilang lunsod at sumuko sa inyo, magiging alipin ninyo sila at magtatrabaho para sa inyo. Kung ayaw nilang sumuko at sa halip ay gustong lumaban, kubkubin ninyo sila. Kapag sila'y nalupig na ninyo sa tulong ng Diyos ninyong si Yahweh, patayin ninyo ang lahat ng kalalakihan roon. Bihagin ninyo ang mga babae at ang mga bata, at samsamin ang mga hayop at lahat ng maaari ninyong makuha. Para sa inyo ang mga iyon, at maaari ninyong kunin sapagkat ipinagkaloob sa inyo ni Yahweh. Ganyan ang gagawin ninyo sa mga lunsod na malayo sa inyo. Ngunit sa mga lunsod sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh ay wala kayong ititirang buháy. Lipulin ninyo ang mga Heteo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hivita at Jebuseo, tulad ng utos sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. Kailangang gawin ninyo ito upang hindi nila kayo maakit sa kasuklam-suklam nilang pagsamba sa kanilang mga diyus-diyosan. Sa ganito'y makakaiwas kayo sa paggawa ng isang bagay na kasuklam-suklam kay Yahweh. “Kapag kinubkob ninyo ang isang lunsod, huwag ninyong putulin ang mga punongkahoy doon kahit matagal na ninyong kinukubkob ang lugar na iyon. Ang mga puno ay hindi ninyo kaaway, bagkus makakapagbigay pa ito sa inyo ng pagkain, kaya huwag ninyo itong puputulin. Ang mga puno na hindi makakain ang bunga ang siya ninyong puputulin kung kailangan ninyo sa pagkubkob. “Kapag naroon na kayo sa lupaing ibibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh at may nakita kayong bangkay sa parang at hindi ninyo alam kung sino ang pumatay, ipagbigay-alam ninyo iyon sa matatandang pinuno at mga hukom upang sukatin nila ang distansya ng mga lunsod sa lugar na pinangyarihan ng krimen. Pagkatapos, ang pinuno ng pinakamalapit na lunsod ay kukuha ng isang dumalagang baka na hindi pa napapagtrabaho. Dadalhin nila ito sa isang batis na may umaagos na tubig, sa isang lugar na hindi pa nabubungkal ni natatamnan. Pagdating doon, babaliin ang leeg ng baka. Pagkatapos, lalapit ang mga paring Levita sapagkat sila ang pinili ni Yahweh upang maglingkod sa kanya at upang magbigay ng basbas sa pamamagitan ng kanyang pangalan. Sila ay magpapasya sa bawat usapin. Ang mga pinuno ng lunsod na malapit sa pinangyarihan ng krimen ay maghuhugas ng kanilang mga kamay sa ibabaw ng dumalagang baka. Sasabihin nila, ‘Hindi kami ang pumatay. Hindi rin namin alam kung sino ang gumawa nito. Patawarin mo po, Yahweh, ang iyong bayang Israel na iyong iniligtas. Huwag mo po kaming panagutin sa pagkamatay ng taong ito.’ Hindi kayo mananagot sa mga ganitong pangyayari kung gagawin ninyo ang naaayon sa kagustuhan ni Yahweh. “Kung pagtagumpayin kayo ng Diyos ninyong si Yahweh sa pakikipagdigma sa inyong mga kaaway at sila'y mabihag ninyo, at kung sakaling may makita kayong magandang babae mula sa mga bihag at nais ninyo itong maging asawa, dalhin ninyo siya sa inyong bahay, ipaahit ninyo ang kanyang buhok, ipaputol ang mga kuko, at pagbihisin. Mananatili siya sa inyong bahay sa loob ng isang buwan upang ipagluksa ang kanyang mga magulang. Pagkatapos, maaari na siyang pakasalan at sipingan. Subalit kung ang lalaki'y hindi na nasisiyahan sa kanya, dapat na niya itong palayain. Hindi siya maaaring ipagbili at gawing alipin sapagkat nadungisan na ang kanyang puri. “Kung ang isang lalaki ay may dalawang asawa, at mas mahal niya ang isa, ngunit kapwa may anak at ang panganay niyang lalaki ay ipinanganak doon sa hindi niya gaanong mahal, huwag aalisin sa kanya ang karapatan bilang panganay upang ilipat sa anak ng asawa na kanyang minamahal. Ang kikilalaning panganay ay ang una niyang anak at dito ibibigay ang dalawang bahagi ng kanyang ari-arian, kahit siya'y anak ng hindi gaanong mahal. “Kung matigas ang ulo at suwail ang isang anak, at ayaw makinig sa kanyang mga magulang sa kabila ng kanilang pagdisiplina, siya ay dadalhin ng kanyang mga magulang sa pintuang-bayan at ihaharap sa pinuno ng bayan. Ang sasabihin nila, ‘Matigas ang ulo at suwail ang anak naming ito; at ayaw makinig sa amin. Siya ay lasenggo at nilulustay ang aming kayamanan.’ Pagkatapos, babatuhin siya ng taong-bayan hanggang sa mamatay. Ganyan ang inyong gagawin sa masasamang tulad niya. Mapapabalita ito sa buong Israel at matatakot silang tumulad doon. “Kapag ibinitin ninyo sa punongkahoy ang bangkay ng isang taong pinatay bilang parusa sa nagawang kasalanan, hindi dapat abutan ng gabi ang bangkay na iyon sa ganoong kalagayan. Kailangan siyang ilibing sa araw ding iyon, sapagkat ang ibinitin sa punongkahoy ay isinumpa ng Diyos. Kapag hindi ninyo inilibing agad, madadamay sa sumpa ang lupaing ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh. “Kapag nakita ninyong nakawala ang baka o tupa ng inyong kapwa Israelita, huwag ninyo itong pababayaan; hulihin ninyo at dalhin sa may-ari. Kung malayo ang tirahan ng may-ari o kung hindi ninyo alam kung kanino, iuwi muna ninyo ito at hintaying hanapin ng may-ari saka ninyo ibigay. Ganyan din ang gagawin ninyo sa asno, damit o anumang bagay na inyong napulot na maaaring naiwala ng isang Israelita; ibalik ninyo sa may-ari. “Kapag nakita ninyong nabuwal ang baka o asno ng inyong kapwa, tulungan ninyong ibangon iyon. “Ang mga babae ay huwag magsusuot ng kasuotang panlalaki o ang mga lalaki ng kasuotang pambabae. Sinumang gumawa nito ay kasuklam-suklam kay Yahweh na inyong Diyos. “Kung may makita kayong pugad ng ibon, sa lupa o sa punongkahoy, na may inakay o kaya'y may nililimlimang itlog, huwag ninyong huhulihin ang inahin. Maaari ninyong kunin ang inakay o ang itlog ngunit pakawalan ninyo ang inahin upang mabuhay kayo nang mahaba at masagana. “Lagyan ninyo ng harang ang bubong ng bahay na gagawin ninyo upang hindi kayo managot sakaling may mahulog mula roon. “Huwag ninyong tatamnan ng magkaibang binhi ang inyong ubasan; kapag ginawa ninyo iyon, ang bunga ng ibang binhi at ng inyong ubas ay dapat dalhing lahat sa santuwaryo. “Huwag ninyong pagsasamahin sa iisang araro ang baka at ang asno. “Huwag kayong magsusuot ng damit na yari sa pinagsanib na lana at lino. “Lagyan ninyo ng palawit ang apat na sulok ng inyong balabal. “Kung pinakasalan ng isang lalaki ang isang babae, at pagkatapos magtalik ay inayawan niya ang babae, at pinagbintangang hindi na ito birhen nang pakasalan niya, dudulog sa matatandang pinuno ng bayan ang mga magulang ng babae, dala ang katibayan ng pagkabirhen ng kanilang anak nang ito'y mag-asawa. Ganito ang sasabihin ng ama, ‘Ipinakasal ko sa lalaking ito ang anak kong babae ngunit ngayo'y ayaw na ng lalaking ito ang anak ko. Sinira niya ang puri ng aking anak at ipinamalita niyang hindi na ito birhen nang pakasalan niya. Subalit narito po ang katunayan ng kanyang pagkabirhen.’ At ilalagay nila sa harapan ng matatandang pinuno ang damit na may bahid ng dugo ng babae. Pagkatapos nito, huhulihin ng mga pinuno ng bayan ang lalaki at kanilang hahagupitin. Bukod doon, siya'y pagmumultahin ng sandaang pirasong pilak at ito'y ibibigay sa ama ng babae dahil sa ginawa niyang paninirang-puri sa isang babaing Israelita. Sila'y mananatiling mag-asawa, at ang babae'y hindi maaaring palayasin at hiwalayan ng lalaki habang siya'y nabubuhay. “Ngunit kung totoo ang bintang, at walang makitang katunayan ng pagiging birhen, ilalabas ang babae sa may pintuan ng bahay ng kanyang ama. Babatuhin siya roon ng mga kalalakihan ng lunsod, hanggang sa mamatay sapagkat gumawa siya ng malaking kasalanan sa bahay mismo ng kanyang ama, at ito'y kasuklam-suklam na gawain sa Israel. Sa ganyang paraan ninyo aalisin ang ganitong uri ng kasamaan sa inyong sambayanan. “Kapag ang isang lalaki'y nahuling kasiping ang asawa ng iba, pareho silang dapat patayin. Sa ganyang paraan ninyo aalisin ang ganitong uri ng kasamaan sa Israel. “Kapag ang isang lalaki ay nahuling nakikipagtalik sa isang dalagang nakatakda nang ikasal at hindi naman ito humingi ng saklolo gayong sila'y nasa loob ng bayan, dapat ninyo silang ilabas ng bayan at batuhin hanggang mamatay sapagkat hindi humingi ng saklolo ang babae, at ang lalaki naman ay lumapastangan ng isang babaing malapit nang ikasal. Sa ganitong paraan ninyo aalisin ang ganitong uri ng kasamaan sa inyong sambayanan. “Kapag ang isang dalagang nakatakda nang ikasal ay ginahasa sa labas ng lunsod, ang lalaki lamang ang dapat patayin. Hindi paparusahan ang babae sapagkat wala siyang kasalanan. Ang lalaki lamang ang may kasalanan sapagkat katumbas na rin nito ang pagsalakay at pagpatay ng kapwa tao. Ang babae ay ginahasa sa isang lugar na walang katau-tao at walang makakarinig humingi man ito ng saklolo. “Kapag ang isang dalagang hindi pa nakatakdang ikasal ay ginahasa ng isang lalaki at nahuli ang lalaking iyon, bibigyan niya ng limampung pirasong pilak ang ama ng babae, at pakakasalan niya ang babae. Dahil sinira niya ang puri nito, hindi maaaring palayasin at hiwalayan ng lalaki ang babae. “Hindi dapat pakasalan ng anak ang ibang asawa ng kanyang ama. Hindi niya dapat ilagay sa kahihiyan ang kanyang sariling ama. “Ang isang lalaking kinapon o naputulan ng ari ay hindi maaaring ibilang sa sambayanan ni Yahweh. “Sinumang anak sa labas ay hindi maaaring ibilang sa sambayanan ni Yahweh, hanggang sa ikasampung salin ng kanyang lahi. “Ang isang Ammonita o Moabita ay hindi maaaring ibilang sa sambayanan ni Yahweh, hanggang sa ikasampung salin ng kanilang lahi, sapagkat hindi nila kayo binigyan ng pagkain at inumin nang kayo'y naglalakbay mula sa Egipto. Bukod dito, inupahan pa nila si Balaam na anak ni Beor na taga-Petor sa Mesopotamia para sumpain kayo. Gayunman, hindi siya dininig ng Diyos ninyong si Yahweh. Sa halip, pinagpala niya kayo sapagkat mahal kayo ni Yahweh. Kailanma'y huwag ninyo silang tutulungan upang sila'y maging mapayapa o masagana. “Huwag ninyong kasusuklaman ang mga Edomita sapagkat sila'y mga kapatid ninyo; gayundin ang mga Egipcio sapagkat kayo'y nanirahan sa kanilang lupain. Maaaring ibilang sa sambayanan ni Yahweh ang ikatlong salin ng kanilang lahi. “Sa panahon ng digmaan, umiwas kayo sa anumang maaaring magparumi sa inyo sa loob ng inyong kampo. “Kapag nilabasan ng sariling binhi ang isang lalaki habang natutulog, lalabas siya ng kampo at hindi muna babalik. Maliligo siya sa dapit-hapon. Paglubog ng araw, saka lamang siya babalik sa kampo. “Maglalaan kayo ng isang lugar sa labas ng kampo na gagawin ninyong palikuran. Magdala rin kayo ng kahoy bukod pa sa inyong mga sandata. Gagamitin ninyo itong panghukay at pangtabon kapag kayo'y dudumi. Naglilibot ang Diyos ninyong si Yahweh sa inyong kampo upang iligtas kayo sa mga kaaway at sila'y ipalupig sa inyo. Kaya't kailangang manatiling malinis sa paningin ng Diyos ang inyong kampo; baka pabayaan niya kayo kapag nakita niyang marumi ang kampo. “Ang isang aliping tumakas at lumipat sa inyo ay huwag ninyong ibabalik sa dati niyang amo. Mananatili siya sa inyo at hayaan siyang tumira kung saan niya gusto sa loob ng inyong bayan; huwag ninyo siyang aapihin. “Sinumang Israelita, babae man o lalaki ay hindi maaaring magbenta ng panandaliang-aliw bilang pagsamba. Ang salaping kinita sa ganitong mahalay na paraan ay hindi maaaring ipagkaloob sa bahay ng Diyos ninyong si Yahweh bilang pagtupad sa isang panata. Kasuklam-suklam kay Yahweh ang pagbebenta ng panandaliang-aliw bilang pagsamba. “Huwag kayong magpapautang nang may tubo sa inyong kapwa Israelita, maging pera, pagkain o anumang maaaring patubuan. Maaari ninyong patubuan ang mga dayuhan ngunit hindi ang inyong kapwa Israelita upang pagpalain kayo ni Yahweh sa inyong mga gawain pagdating ninyo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. “Huwag ninyong kakaligtaang tuparin ang panata ninyo kay Yahweh. Tiyak na sisingilin niya kayo kapag hindi ninyo tinupad iyon. Hindi kasalanan kung hindi kayo gagawa ng panata. Ngunit kailangang tuparin ang anumang kusang-loob na pangako ninyo kay Yahweh. “Kapag kayo'y pumasok sa ubasan ng inyong kapwa, maaari kayong kumain ng bunga niyon hanggang gusto ninyo, huwag lamang kayong mag-uuwi. Kung mapadaan naman kayo sa triguhan ng inyong kapwa, maaari kayong pumitas ng mga uhay sa pamamagitan ng mga kamay ngunit huwag kayong gagamit ng karit. “Kung mag-asawa ang isang lalaki ngunit dumating ang panahon na ayaw na niya sa babae dahil may natuklasan siya ritong hindi kaaya-aya, at gumawa siya ng kasulatan ng paghihiwalay, ibinigay ito sa babae, at pinalayas ito sa kanyang pamamahay; kung ang babaing hiniwalayan ay mag-asawa sa iba at hiniwalayang muli matapos bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay (o kaya'y namatay ang ikalawang asawa), at paalisin rin ito sa kanyang pamamahay, ang babae ay hindi na maaaring pakasalan pa ng kanyang unang asawa; ang babae ay ituturing nang marumi. Magiging kasuklam-suklam kay Yahweh kung papakisamahan pa nito ang babae. Hindi ninyo dapat dungisan ang lupaing ibibigay niya sa inyo. “Ang lalaking bagong kasal ay hindi maaaring maglingkod sa hukbo o anumang gawaing-bayan sa loob ng isang taon; hahayaan muna siyang lumigaya sa piling ng kanyang asawa. “Huwag ninyong kukuning sangla ang gilingan na ginagamit ng isang tao para sa kanyang pagkain, sapagkat para na rin ninyong kinuha ang kanyang ikinabubuhay. “Sinumang dumukot sa kapwa niya Israelita, upang alipinin o ipagbili ay dapat patayin. Sa ganitong paraan ninyo aalisin ang kasamaang tulad nito. “Tungkol sa mga sakit sa balat na parang ketong, sundin ninyong mabuti ang sasabihin sa inyo ng mga paring Levita, sapagkat iyon ang tagubilin ko sa kanila. Alalahanin ninyo ang ginawa ni Yahweh na inyong Diyos kay Miriam nang kayo'y naglalakbay mula sa Egipto. “Kung kayo'y magpapautang sa inyong kapatid, huwag kayong papasok sa bahay niya para kunin ang kanyang sangla; maghintay kayo sa labas upang doon tanggapin ang sangla na kusang ibibigay ng nangutang. Kung balabal ang sangla ng isang mahirap na nangutang sa inyo, huwag ninyong palilipasin ang gabi na nasa inyo ang sangla. Dapat maibalik iyon sa kanya paglubog ng araw, sapagkat iyon lamang ang gagamitin niya sa pagtulog. Sa gayon, tatanaw siya ng utang na loob sa inyo at kalulugdan kayo ng Diyos ninyong si Yahweh. “Huwag ninyong ipagkakait ang kaukulang bayad sa inyong mahihirap at nangangailangang manggagawa, maging siya ma'y kapwa Israelita o dayuhan na nakikipamayan sa inyo. Bago lumubog ang araw, ibigay na ninyo sa kanya ang sweldo niya para sa maghapon sapagkat iyon lamang ang inaasahan niya sa buhay. Kapag hindi ninyo ibinigay agad, at dumaing siya kay Yahweh, iyon ay pananagutan ninyo. “Hindi dapat parusahan ng kamatayan ang mga magulang dahil sa krimeng nagawa ng anak ni ang anak dahil sa krimeng nagawa ng magulang; ang mismong may sala lamang ang siyang dapat patayin. “Huwag ninyong pagkakaitan ng katarungan ang mga dayuhan o ang mga ulila. Huwag din ninyong kukuning sangla ang balabal ng babaing balo. Iniuutos ko ito sa inyo sapagkat dapat ninyong alalahaning naging alipin din kayo sa Egipto at iniligtas kayo roon ng Diyos ninyong si Yahweh. “Kung sa pagliligpit ng ani ay may maiwan kayong mga uhay, huwag na ninyong babalikan iyon; hayaan na ninyong mapulot iyon ng mga dayuhan, ulila at mga biyuda. Sa ganoon, pagpapalain kayo ni Yahweh sa lahat ninyong gawain. Kapag napitasan na ninyong minsan ang inyong mga olibo, huwag na ninyong babalikan ang natira; hayaan na ninyo iyon sa mga dayuhan, ulila at mga biyuda. Kapag naani na ninyo ang inyong ubas, huwag na ninyong babalikan ang natira; hayaan na ninyo iyon sa mga dayuhan, ulila at mga biyuda. Alalahanin ninyong kayo'y naging alipin din sa Egipto. Iyan ang dahilan kaya iniuutos ko ito sa inyo. “Kapag may usaping iniharap sa hukuman, at napawalang-sala ang walang kasalanan at nahatulan ang may sala, at kung ang angkop na parusa ay hagupit, padadapain ng hukom ang may sala, at hahagupitin ayon sa bigat ng kanyang kasalanan. Apatnapu ang pinakamaraming hagupit na maaaring ibigay sa may sala; ang higit dito ay paghamak na sa kanyang pagkatao. “Huwag ninyong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik. “Kung may dalawang magkapatid na naninirahan sa parehong bahay at mamatay na walang anak ang isang lalaking may asawa, ang nabiyuda niya ay hindi maaaring mag-asawa sa iba; dapat siyang pakasalan ng kapatid ng namatay at ito ang tutupad sa tungkulin ng kapatid na namatay. Ang kanilang unang anak na lalaki ay isusunod sa pangalan ng namatay upang hindi mawala sa Israel ang pangalan nito. Kung ayaw ng kapatid ng namatay na pakasalan ang balo, dudulog ito sa matatandang namumuno sa bayan. Sasabihin ng nabiyuda, ‘Ayaw ng lalaking ito na panatilihin ang pangalan ng kanyang kapatid. Ayaw niyang gampanan ang kanyang tungkulin para sa kanyang kapatid.’ Kung magkagayon, ang kapatid ng yumao ay ipapatawag ng matatandang pinuno at pagsasabihan. Kapag ayaw pa rin niya, lalapitan siya ng biyuda, hahablutin ang sandalyas nito saka duduraan sa mukha, at sasabihing, ‘Ganyan ang bagay sa taong tumatangging panatilihin ang pangalan ng kanyang kapatid.’ At ang sambahayan ng lalaking ito'y makikilala sa buong Israel sa tawag na, Ang Sambahayan ng Lalaking Hinubaran ng Sandalyas. “Kapag may dalawang lalaking nag-aaway at ang asawa ng isa ay lumapit upang tulungan ang kanyang asawa at dinaklot ang ari ng kalaban, puputulin ang kamay ng babaing iyon; hindi siya dapat kaawaan. “Huwag kayong gagamit ng dalawang uri ng pabigat sa timbangan, isang mabigat at isang magaan. Huwag din kayong gagamit ng dalawang uri ng takalan, isang malaki at isang maliit. Ang tamang pabigat ang gagamitin ninyo sa timbangan, at ang gagamiting takalan ay iyong husto sa sukat upang mabuhay kayo nang matagal sa lupaing ibibigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh. Lahat ng mandaraya ay kasuklam-suklam kay Yahweh na inyong Diyos. “Huwag ninyong kalilimutan ang ginawa ng mga Amalekita sa inyo nang kayo'y naglalakbay mula sa Egipto. Wala silang takot sa Diyos. Sinalakay nila kayo nang kayo'y lupaypay sa hirap, at pinuksa ang mga kasamahan ninyo sa hulihan. Kapag nalupig na ninyo ang lahat ng inyong mga kaaway at panatag na kayo sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos, ubusin ninyo ang lahi ng mga Amalekita roon. Huwag ninyo itong kalilimutan. “Kapag nasakop na ninyo ang lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, at matiwasay na kayong naninirahan doon, kumuha kayo ng unang bunga ng inyong mga pananim. Ilagay ninyo iyon sa isang basket at dalhin sa lugar na pipiliin ng Diyos ninyong si Yahweh na kung saan ay sasambahin ang kanyang pangalan. Haharap kayo sa paring nakatalaga roon at inyong sasabihin, ‘Kinikilala ko ngayon sa harap ni Yahweh na ako'y nakarating na sa lupaing ipinangako niya sa aming mga ninuno.’ “Kukunin naman ng pari ang basket at ilalagay sa harap ng altar. Pagkatapos ay bibigkasin ninyo ang mga salitang ito sa harapan ni Yahweh: ‘Isang pagala-galang Arameo ang aking ninuno. Dinala niya ang kanyang pamilya sa Egipto upang manirahan doon. Kakaunti lamang sila nang magpunta doon, ngunit sila'y dumami nang dumami at naging isang malaki at makapangyarihang bansa. Pinagmalupitan kami at inalipin ng mga Egipcio. Kaya't humingi kami ng tulong kay Yahweh, ang Diyos ng aming mga ninuno. Dininig niya kami at nakita niya ang aming pagdurusa, kahirapan at kaapihang dinaranas. Inilabas kami ni Yahweh mula sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, ng mga kakila-kilabot na gawa at mga kababalaghan at dinala sa lupaing ito na mayaman at sagana sa lahat ng bagay. Kaya, narito ngayon, Yahweh, ang unang bunga ng aming mga pananim sa lupaing ibinigay mo sa amin.’ “Pagkasabi noon, ilapag ninyo ang inyong dala sa harap ng altar, saka kayo luluhod upang sambahin si Yahweh. Dahil sa kabutihan niya sa inyo, kayong lahat ay magdiriwang, kasama ang buong sambahayan, ang mga Levita, at ang mga nakikipamayan sa inyo. “Sa ikatlong taon, ibubukod ninyo ang ikasampung bahagi ng inyong ani upang ibigay sa mga Levita, sa mga dayuhan, sa mga ulila, at sa mga balo upang sila'y may makain. Kapag nagawa na ito, sasabihin ninyo kay Yahweh na inyong Diyos, ‘Naibukod ko na po ang bahaging nakalaan sa inyo, at naibigay ko na sa mga Levita, sa mga dayuhan, sa mga ulila at balo, ayon sa utos ninyo sa akin. Hindi ko nilabag o kinaligtaan isa man sa inyong utos. Hindi ko binawasan ang ikasampung bahagi kahit sa panahon ng kahirapan. Hindi ko ito inilabas sa aking bahay nang ako'y marumi. Hindi ko rin iniatang sa mga patay ang bahagi nito. Dininig ko ang inyong tinig, Yahweh, aking Diyos. Sinunod kong lahat ang iniutos ninyo sa amin. Kaya nga, tingnan ninyo kami mula sa inyong banal na tahanan sa langit at pagpalain ninyo ang bayang Israel pati na ang lupaing ibinigay ninyo sa amin ayon sa pangako ninyo sa aming mga ninuno, ang lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay.’ “Ngayon ay ibinigay nga sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh ang mga tuntuning ito; sundin ninyo ito nang buong puso't kaluluwa. Ipinahayag ninyo ngayon na si Yahweh ang inyong Diyos, lalakad kayo ayon sa kanyang daan, susundin ang kanyang mga tuntunin at papakinggan ang kanyang tinig. Ipinahayag naman niya sa inyo na kayo ay kanyang bayang hinirang, tulad ng kanyang pangako, at dapat ninyong sundin ang kanyang mga tuntunin. Pagpapalain niya kayo higit sa lahat ng bansang kanyang itinatag. Kayo ang bansang nakalaan sa kanya. At tulad ng kanyang pangako, kayo ay tatanggap ng papuri, katanyagan at karangalan.” Ganito naman ang bilin ni Moises, kasama ang matatandang namumuno sa sambayanan: “Sundin ninyong lahat ang kautusang ibinibigay ko sa inyo ngayon. Pagkatawid ninyo sa ibayo ng Jordan at papasok na kayo sa lupaing ibibigay sa inyo ni Yahweh, maglagay kayo ng malalaking bato, at inyong palitadahan sa ibabaw. At isusulat ninyo roon ang lahat ng mga batas na ito pagdating ninyo sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, ang lupaing ipinangako sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno. Ilagay ninyo iyon sa Bundok ng Ebal at palitadahan ninyo, tulad ng sinasabi ko ngayon. Magtayo kayo roon ng altar na bato para kay Yahweh na inyong Diyos. Mga batong hindi ginamitan ng paet ang inyong gamitin. Mga batong hindi tinapyas ang gagamitin ninyo para sa altar at doon ninyo iaalay ang inyong mga handog na susunugin. Dito rin ihahain ang handog na pangkapayapaan at sa harap nito kayo magsasalu-salo sa panahon ng inyong pasasalamat sa Diyos ninyong si Yahweh. At sa ibabaw ng mga batong iyon, isusulat ninyo nang malinaw ang bawat salita ng kautusan ni Yahweh.” Sinabi ni Moises at ng mga paring Levita, “Tumahimik kayo at makinig, bayang Israel. Mula ngayon, kayo na ang sambayanan ni Yahweh. Kaya, sumunod kayo sa kanya at tuparin ang mga tuntuning ibinibigay ko sa inyo ngayon.” Nang araw ring iyon, ganito ang itinagubilin ni Moises sa buong Israel, “Pagkatawid ninyo ng Jordan, ang mga lipi nina Simeon, Levi, Juda, Isacar, Jose, at Benjamin ay tatayo sa tapat ng Bundok ng Gerizim upang bigkasin ang pagpapala. Ang mga lipi naman nina Ruben, Gad, Asher, Zebulun, Dan, at Neftali ay tatayo sa tapat ng Bundok ng Ebal upang bigkasin ang mga sumpa. Ganito naman ang isisigaw ng mga pari: “‘Sumpain ang sinumang gumawa ng anumang imahen upang sambahin kahit palihim, ito ay kasuklam-suklam kay Yahweh.’ “Ang buong bayan ay sasagot ng: ‘Amen.’ “‘Sumpain ang sinumang hindi gumagalang sa kanyang ama at ina.’ “Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’ “‘Sumpain ang sinumang gumalaw sa palatandaan ng hangganan ng lupang pag-aari ng kanyang kapwa.’ “Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’ “‘Sumpain ang sinumang magligaw sa bulag.’ “Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’ “‘Sumpain ang sinumang magkait ng katarungan sa mga dayuhan, ulila at biyuda.’ “Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’ “‘Sumpain ang sinumang nakikipagtalik sa ibang asawa ng kanyang ama, sapagkat inilalagay niya sa kahihiyan ang kanyang sariling ama.’ “Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’ “‘Sumpain ang sinumang makipagtalik sa anumang uri ng hayop.’ “Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’ “‘Sumpain ang sinumang sumiping sa kanyang kapatid na babae, kahit pa ito'y kapatid sa ama o sa ina.’ “Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’ “‘Sumpain ang sinumang sumiping sa kanyang biyenang babae.’ “Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’ “‘Sumpain ang sinumang lihim na pumatay sa kanyang kapwa.’ “Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’ “‘Sumpain ang sinumang nagpapabayad upang pumatay ng taong walang kasalanan.’ “Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’ “‘Sumpain ang sinumang hindi susunod sa mga utos na ito.’ “Sasagot ang sambayanan: ‘Amen.’ “Kung susundin lamang ninyo si Yahweh na inyong Diyos at tutuparin ang kanyang mga utos, gagawin niya kayong pinakadakila sa lahat ng mga bansa sa balat ng lupa. Mapapasa-inyo ang lahat ng mga pagpapalang ito kung susundin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh. “Pagpapalain niya kayo sa inyong mga bayan at sa inyong mga bukid. “Pagpapalain niya kayo ng maraming anak, masaganang ani sa inyong lupain, at maraming alagang hayop. “Pagpapalain niya ang imbakan ng inyong inaning butil at ang mga pagkaing nagmumula roon. “Pagpapalain niya kayo sa lahat ng inyong gagawin. “Ang mga kaaway na magtatangkang lumaban sa inyo ay matatalo ninyo sa tulong ni Yahweh. Sasalakayin nila kayo ngunit magkakanya-kanya sila sa pagtakas. “Pagpapalain niya ang inyong mga kamalig at lahat ng inyong gawain; pagpapalain niya kayo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. “Tulad ng pangako ni Yahweh, kayo'y gagawin niyang isang bansang matatag at nakalaan sa kanya kung susundin ninyo siya at tutuparin ang kanyang mga tuntunin. Sa ganoon makikita ng lahat ng bansa na kayo'y kanyang bayan, at matatakot sila sa inyo. Pasasaganain niya kayo sa lahat ng bagay pagdating ninyo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. Pararamihin niya ang inyong anak, at mga hayop, at pasasaganain ang ani ng inyong bukirin. Bubuksan niya ang langit upang ibuhos sa inyo ang ulan sa kapanahunan. Pagpapalain nga niya kayo sa lahat ng inyong gagawin. Dahil dito, hindi kayo mangungutang, sa halip, kayo pa ang magpapautang sa ibang bansa. Gagawin kayo ng Diyos ninyong si Yahweh na pinuno ng mga bansa, at hindi tagasunod. Uunlad kayo at hindi mabibigo kung susundin ninyong mabuti ang kanyang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon. Huwag ninyong lalabagin ang alinman sa sinasabi ko sa inyo. Huwag kayong lilihis sa kanan o sa kaliwa. Huwag kayong tatalikod kay Yahweh ni sasamba o maglilingkod sa mga diyus-diyosan. “Subalit kung hindi kayo makikinig kay Yahweh na inyong Diyos at hindi susunod sa kanyang mga utos at mga tuntuning ibinibigay ko sa inyo ngayon, mangyayari sa inyo ang mga sumpang ito: “Susumpain niya kayo, ang inyong mga lunsod at ang inyong mga bukid. “Susumpain niya ang imbakan ng inyong inaning butil at ang mga pagkaing nagmumula roon. “Susumpain niya kayo at magkakaroon lamang kayo ng iilang anak, mahinang ani, at kaunting alagang hayop. “Mabibigo kayo sa lahat ng inyong gagawin. “Padadalhan niya kayo ng kahirapan, kaguluhan, at kabiguan sa lahat ng inyong gagawin hanggang sa kayo'y malipol. Gagawin niya ito dahil sa pagtalikod ninyo sa kanya. Hindi niya kayo aalisan ng salot hanggang sa maubos kayo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. Lilipulin kayo ni Yahweh sa pamamagitan ng sakit na pagkatuyo, nag-aapoy na lagnat, pamamaga ng katawan, at sakit sa balat; padadalhan din niya kayo ng matinding init at tagtuyot. Hindi kayo titigilan ng mga ito hanggang hindi kayo nalilipol. Ipagkakait sa inyo ang ulan at dahil dito, magiging parang bakal ang lupa dahil sa pagkatigang. Pauulanan kayo ni Yahweh ng alikabok sa halip na tubig hanggang sa kayo'y lubusang mapuksa. “Hahayaan niyang matalo kayo ng inyong mga kaaway. Lalaban kayo sa kanila ngunit magkakanya-kanya kayo ng takbo. Dahil dito, kikilabutan ang lahat ng bansa sa inyong sinapit. Kakainin ng mga ibon at mga hayop ang inyong mga bangkay ngunit walang mag-aabalang bumugaw sa mga ito. Pahihirapan kayo ng mga pigsa, gaya ng ginawa ni Yahweh sa mga Egipcio. Tatadtarin niya kayo ng galis, buni at pangangati ng balat na hindi mapapagaling. Dahil sa mga gagawin ni Yahweh sa inyo ay masisiraan kayo ng bait, bubulagin niya kayo at lilituhin. Parang bulag kayong mangangapa sa katanghaliang-tapat, at maliligaw kayo sa inyong mga lakad. Anuman ang inyong gawin ay hindi kayo magtatagumpay. Patuloy kayong gigipitin at sasamsaman ng ari-arian ngunit walang sasaklolo sa inyo. “Makikipagkasundo kayong pakasal sa isang babae ngunit iba ang mapapangasawa niya. Magtatayo kayo ng bahay ngunit iba ang titira. Magtatanim kayo ng ubas ngunit iba ang makikinabang. Kakatayin ang sarili ninyong baka sa harapan ninyo ngunit hindi ninyo matitikman. Aagawin sa inyo ang inyong asno at hindi na ibabalik. Ang mga tupa ninyo'y sasamsamin ng kaaway at hindi na ninyo mababawi. Ang inyong mga anak ay kitang-kita ninyong ibibigay sa ibang tao, ngunit wala kayong magagawa. Isang bansang hindi ninyo kilala ang makikinabang sa ani ng inyong lupain at sa bunga ng inyong pagpapagod. Pahihirapan nila kayo at patuloy na aapihin hanggang sa masiraan kayo ng bait dahil sa inyong paghihirap. Pahihirapan kayo ni Yahweh sa pamamagitan ng bukol sa tuhod at binti. Hindi ninyo ito mapapagaling, sa halip ay kakalat mula sa ulo hanggang paa. “Kayo at ang inyong hari ay ipapabihag ni Yahweh sa isang bansang hindi ninyo kilala ni ng inyong mga ninuno. Maglilingkod kayo sa kanilang diyos na yari sa kahoy at bato. Sa mga bansang pagtatapunan sa inyo ni Yahweh ay magiging katatawanan kayo at pag-uusapan. Magtataka ang mga tao roon sa inyong kinahinatnan. “Maghahasik kayo ng marami ngunit kaunti lamang ang maaani sapagkat sisirain ng mga balang. Magtatanim kayo ng ubas at masinop ninyo itong aalagaan ngunit hindi kayo makakatikim ng bunga o katas nito sapagkat sisirain ng uod. Magkakaroon nga kayo ng maraming punong olibo sa inyong lupain ngunit hindi kayo makakakuha ng langis sapagkat malalagas ang mga bunga nito. Magkakaanak kayo ngunit mawawala sa inyo sapagkat mabibihag ng mga kaaway. Uubusin ng mga kulisap ang inyong mga punongkahoy at pananim. “Uunlad ang kabuhayan ng mga dayuhang kasama ninyo ngunit ang kabuhayan ninyo'y patuloy na babagsak. Sila ang magpapautang sa inyo at wala kayong maipapautang sa kanila. Sila ang mamumuno sa inyo at kayo'y tagasunod nila. “Kapag hindi kayo nakinig sa Diyos ninyong si Yahweh at hindi sumunod sa kanyang mga utos at mga tuntuning ibinigay sa inyo, magaganap sa inyo ang lahat ng mga sumpang ito hanggang kayo'y lubusang mapuksa. Ang mga ito'y magsisilbing patotoo ng hatol ng Diyos sa inyo at sa inyong magiging lahi magpakailanman. Hindi ninyo pinaglingkuran nang buong kasiyahan at kagalakan si Yahweh sa panahon ng inyong kasaganaan. Kaya, ipapasakop niya kayo sa inyong mga kaaway. Sila ang paglilingkuran ninyo sa panahon ng kagutuman, kauhawan, kahubaran at kakulangan sa lahat ng bagay. Pahihirapan kayo ni Yahweh hanggang kayo ay malipol. Ipapalusob kayo ni Yahweh sa isang bansang mula pa sa kabilang panig ng daigdig. Hindi ninyo alam ang kanilang wika. Simbilis ng agila na sasalakayin nila kayo. Matitigas ang kalooban ng mga taong iyon, at walang awa sa matanda man o bata. Uubusin nila ang inyong mga hayop, pati ang ani ng inyong lupain. Wala silang ititira sa inyong ani, inumin, langis, baka o kawan, hanggang sa kayo'y malipol. Kukubkubin nila ang inyong mga bayan sa lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh hanggang sa gumuho ang nagtataasang pader na sa akala ninyo'y magliligtas sa inyo. “Kapag kinubkob kayo ng inyong mga kaaway, sa tindi ng inyong gutom ay kakainin ninyo pati ang inyong mga anak na ibinigay sa inyo ng Diyos ninyong si Yahweh. Magiging maramot pati ang pinakamabait na tao. Hindi niya bibigyan ng pagkain pati kanyang kapatid, asawa o ang nalalabi niyang anak. Sinuman sa kanila'y hindi niya bibigyan ng kinakain niyang karne ng kanyang anak sa takot na mawalan siya ng makakain. Ganyan ang aabutin ninyo sa panahon ng pagkubkob sa inyo ng inyong mga kaaway. Maging ang pinakamabait at pinakamaselang babae sa Israel na dati'y hindi tumutuntong ng lupa ay magiging maramot pati sa asawa't mga anak. Maging ang kasisilang na sanggol at ang mga anak na kanyang isinilang ay ipagdadamot niya. Lihim niya itong kakainin at pagkaubos ay ang sanggol ang isusunod niya. Ganyan nga ang aabutin ninyo sa panahon ng pagsalakay sa inyo ng inyong mga kaaway. “Kapag hindi ninyo sinunod ang lahat ng utos sa aklat na ito at hindi ninyo iginalang ang kahanga-hanga at kakila-kilabot na pangalan ni Yahweh, kayo at hanggang sa inyong kaapu-apuhan ay padadalhan niya ng matinding kahirapan at mga salot na walang katapusan. Ipadaranas niya sa inyo ang mga kinatatakutan ninyong sakit na ipinadala niya sa Egipto. Hindi na kayo gagaling sa mga sakit na ito. Padadalhan din niya kayo ng iba pang karamdamang hindi nabanggit sa aklat na ito ng kautusan hanggang sa kayo'y mapuksa. At kahit dumami pa kayo na sindami ng bituin sa langit, kaunti lamang ang matitira sa inyo sapagkat hindi kayo nakinig sa Diyos ninyong si Yahweh. Kung gaano kalaki ang kanyang kasiyahan sa pagpapala at pagpapaunlad sa inyo, gayon din kalaki ang kasiyahan niya sa pagwasak at pagpuksa sa inyo. Bubunutin niya pati ang pinakaugat ng inyong lahi sa lupaing ibibigay niya sa inyo. “Sa gagawin sa inyo ni Yahweh ay magkakawatak-watak kayo sa lahat ng sulok ng daigdig at kayo'y sasamba sa mga diyos na yari sa kahoy at bato, sa mga diyus-diyosang kailanma'y hindi ninyo nakilala ni ng inyong mga ninuno. Hindi kayo mapapanatag doon. Lagi kayong mag-aalala. Mamumuhay kayo sa kabiguan at matinding kalungkutan. Laging manganganib ang inyong buhay. Araw at gabi'y paghaharian kayo ng takot at walang katiyakan ang buhay. Dahil sa malaking takot na likha ng inyong nakikita, kung araw ay sasabihin ninyong sana'y gumabi na, at kung gabi naman sana'y mag-umaga na. Ibabalik kayo ni Yahweh sa Egipto, sakay ng mga barko, kahit naipangako niyang hindi na kayo pababalikin doon. Ipagbibili ninyo ang mga sarili ninyo upang maging alipin ng inyong mga kaaway ngunit walang bibili sa inyo.” Ito ang mga tuntunin ng kasunduang ibinigay ni Yahweh kay Moises upang sabihin sa mga Israelita nang sila'y nasa lupain ng Moab, bukod pa sa kasunduang ginawa niya sa Sinai. Tinipon ni Moises ang mga Israelita at sinabi, “Hindi kaila sa inyo ang ginawa ni Yahweh kay Faraon, sa kanyang mga tauhan at sa buong Egipto. Nakita ninyo ang kapangyarihan ni Yahweh at ang mga tanda at kababalaghang ginawa niya. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa niya hinahayaang maunawaan ninyo ang inyong mga naranasan. Apatnapung taon akong nanguna sa inyo sa ilang. Hindi kailanman nasira ang inyong kasuotan ni napudpod ang inyong sandalyas. Wala kayong pagkain o inumin ngunit binigyan kayo ni Yahweh upang malaman ninyong siya ang ating Diyos. Pagdating ninyo rito, dinigma tayo ni Haring Sihon ng Hesbon at ni Haring Og ng Bashan. Ngunit nagapi natin sila. Nasakop natin ang kanilang lupain at iyon ang ibinigay natin sa lipi nina Ruben, Gad at sa kalahati ng lipi ni Manases. Kaya, sundin ninyong mabuti ang mga tuntunin ng kasunduang ito upang magtagumpay kayo sa lahat ng inyong gagawin. “Ngayo'y narito tayong lahat sa harapan ni Yahweh—ang pinuno ng bawat lipi, ang matatandang pinuno, ang mga opisyal, ang mga mandirigma ng Israel, ang inyong mga asawa at mga anak, at kahit ang mga dayuhang nagsisibak ng kahoy at nag-iigib ng tubig para sa inyo— upang manumpa sa pangalan ni Yahweh at makipagtipan sa kanya. Sa pamamagitan ng kasunduang ito, ipinapahayag niyang kayo ang kanyang bayan at siya ay inyong Diyos tulad ng kanyang ipinangako sa mga ninuno ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob. At ang kasunduang ito'y hindi lamang para sa ating narito ngayon kundi pati sa mga magiging mga anak natin. “Hindi kaila sa inyo ang naging buhay natin sa Egipto, at sa mga bansang nadaanan natin sa paglalakbay. Nakita ninyo ang kasuklam-suklam nilang gawain, ang mga diyos nilang yari sa bato, kahoy, pilak at ginto. Mag-ingat nga kayo at baka sa inyo'y may isang lalaki, babae, sambahayan o angkang tumalikod kay Yahweh upang maglingkod sa diyus-diyosan ng mga bansang iyon. Baka sa inyo'y may lumitaw na isang taong katulad ng punongkahoy na mapait at nakakalason ang bunga. Baka kung marinig niya ang mga tuntunin ng kasunduang ito ay sabihin niya sa kanyang sariling hindi siya mapapahamak kahit sundin ang sariling kagustuhan. Ito ang magdadala ng kapahamakan sa lahat, mabuti man o masama. Hindi patatawarin ni Yahweh ang ganoong tao, sa halip ay magagalit siya sa taong iyon. Mangyayari sa kanya ang lahat ng sumpang nakasulat sa aklat ng kautusang ito hanggang sa lubusan siyang mapuksa ni Yahweh. Ihihiwalay siya ni Yahweh mula sa mga lipi ng Israel upang ibuhos sa kanya ang sumpang nakatala sa aklat na ito. “Makikita ng salinlahing susunod sa atin, at ng mga dayuhang mula sa malalayong bansa ang mabigat na parusa ni Yahweh. Makikita nila ang lupaing tinupok sa pamamagitan ng asupre at tinabunan ng asin. Kaya't kahit damo ay hindi tutubo roon, gaya ng nangyari sa Sodoma at Gomorra, Adma at Zeboim nang ibagsak niya rito ang kanyang matinding galit. At sasabihin ng lahat ng nakakita nito, ‘Bakit pinuksa ni Yahweh ang bansang ito? Bakit matindi ang naging galit niya sa kanila?’ Ang isasagot ay, ‘Sapagkat tinalikuran nila ang kanilang kasunduan kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno na siyang naglabas sa kanila sa Egipto. Sila'y naglingkod at sumamba sa mga diyus-diyosang hindi nila kilala at ipinagbabawal ni Yahweh sa kanila. Iyan ang dahilan kaya nagalit sa kanila si Yahweh at ibinagsak sa kanila ang mga sumpang nakasulat sa aklat na ito. At dahil sa matindi niyang galit, sila'y pinaalis ni Yahweh sa kanilang lupain at itinapon sa ibang lugar. Naroon sila ngayon.’ “May mga bagay na sadyang inilihim ng Diyos nating si Yahweh. Ngunit ipinahayag ang kautusang ito upang sundin natin at ng ating mga anak magpakailanman. “Naipahayag ko na sa inyo ang mga pagpapala at ang mga sumpa; piliin ninyo kung alin ang gusto ninyo. Kapag nangyari na sa inyo ang mga ito at naninirahan na kayo sa mga bansang bumihag sa inyo, maaalala ninyo ang bagay na ito. Kapag kayo at ang mga anak ninyo ay manunumbalik kay Yahweh upang buong puso't kaluluwang sundin ang kanyang mga utos na aking binabanggit sa inyo ngayon, kahahabagan niya kayo at ibabalik sa magandang kalagayan. Titipunin niya kayong muli mula sa mga bansang pinagtapunan sa inyo at muli kayong pasasaganain. Kahit saang sulok ng daigdig kayo mapatapon, muli niya kayong titipunin at ibabalik sa lupain ng inyong mga ninuno upang muli ninyong angkinin iyon. Kayo'y higit niyang pararamihin at pasasaganain kaysa inyong mga ninuno. Babaguhin niya at lilinisin ang inyong puso at gayundin ng inyong mga anak upang ibigin ninyo siya nang buong katapatan. Sa ganoon mabubuhay kayo nang matagal. At ang mga sumpang ito'y ipapataw ni Yahweh sa inyong mga kaaway na nagpahirap sa inyo. Muli ninyong papakinggan ang kanyang tinig at susundin ang kanyang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon. Pagpapalain niya ang lahat ng inyong gawain. Pararamihin niya ang inyong mga anak at mga hayop at pasasaganain ang ani ng inyong lupain. Muli siyang malulugod sa inyo at pagpapalain niya kayo, tulad ng ginawa niya sa inyong mga ninuno. Ngunit kailangang makinig kayo sa kanya at buong puso't kaluluwang sumunod sa kanyang mga utos. “Ang kautusang ibinibigay ko sa inyo ngayon ay hindi naman napakahirap sundin at unawain. Wala ito sa langit, kaya hindi na ninyo dapat itanong, ‘Sino ang aakyat sa langit para sa atin upang kunin ang kautusan upang marinig natin ito at maisagawa?’ Wala rin ito sa ibayong-dagat kaya hindi ninyo dapat itanong, ‘Sino ang tatawid sa dagat para sa atin upang kunin ang kautusan upang marinig natin ito at maisagawa?’ Napakalapit ng kautusan sa inyo, nasa inyong mga labi at nasa inyong mga puso. Kailangan lang ninyo itong tuparin. “Binibigyan ko kayo ngayon ng pagpipilian: buhay o kamatayan; kasaganaan o kahirapan; kapag sinunod ninyo ang mga utos na ibinibigay ko sa inyo ngayon mula kay Yahweh na inyong Diyos, at kung mahal ninyo siya at ginagawa ang kanyang kagustuhan, pagpapalain niya kayo sa lupaing ibibigay niya sa inyo. Bibigyan niya kayo ng mahabang buhay at gagawing isang malaking bansa. Ngunit kapag tumalikod kayo at ayaw nang makinig sa kanya, sa halip ay naglingkod sa ibang mga diyos, ngayon pa'y sinasabi ko sa inyong malilipol kayo. Hindi kayo magtatagal sa lupaing sasakupin ninyo sa ibayo ng Jordan. Saksi ko ang langit at ang lupa na ngayo'y inilahad ko sa inyo ang buhay o kamatayan, at ang pagpapala o sumpa. Kaya, piliin ninyo ang buhay para kayo at ang inyong lahi ay mabuhay nang matagal. Ibigin ninyo si Yahweh, sundin siya at manatiling tapat sa kanya upang kayo at ang inyong salinlahi ay mabuhay nang matagal sa lupaing ipinangako niya sa ninuno ninyong sina Abraham, Isaac at Jacob.” Nagpatuloy si Moises sa pagsasalita sa mga Israelita. Ang sabi niya, “Sandaa't dalawampung taon na ako ngayon at hindi ko na kayo kayang pamunuan. Bukod dito, sinabi sa akin ni Yahweh na hindi ako maaaring tumawid sa Jordan. Ang Diyos ninyong si Yahweh mismo ang mangunguna sa inyo. Pupuksain niya ang mga bansang daraanan ninyo upang mapasainyo ang lupain nila. Si Josue ang inyong magiging pinuno gaya ng sinabi ni Yahweh. Ang mga bansang iyon ay lilipulin ni Yahweh tulad ng ginawa niya sa mga haring Amoreo na sina Sihon at Og, at sa kani-kanilang kaharian. Sila'y ipapabihag ni Yahweh sa inyo at gagawin naman ninyo sa kanila ang sinabi ko sa inyo. Magpakatatag kayo at lakasan ninyo ang inyong loob. Huwag kayong matakot sa kanila sapagkat sasamahan kayo ni Yahweh na inyong Diyos. Hindi niya kayo iiwan ni pababayaan man.” Ipinatawag ni Moises si Josue at sa harapan ng sambayanan ng Israel ay sinabi ang ganito: “Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob sapagkat ikaw ang mangunguna sa bayang ito sa pagsakop sa lupaing ipinangako ni Yahweh sa kanilang mga ninuno. Si Yahweh ang mangunguna sa iyo. Sasamahan ka niya. Hindi ka niya bibiguin o pababayaan man, kaya't huwag kang matakot ni panghinaan ng loob.” Isinulat ni Moises ang mga utos at ibinigay ito sa mga paring tagadala ng Kaban ng Tipan, at sa matatandang namumuno sa bayan. Sinabi niya, “Sa Pista ng mga Tolda tuwing katapusan ng ikapitong taon na siyang taon ng pagpapatawad ng utang, basahin ninyo ang kautusang ito sa harap ng buong Israel sa lugar na pipiliin ni Yahweh upang doo'y sambahin siya. Tipunin ninyong lahat ang mga lalaki, babae, bata, pati ang mga dayuhang kasama ninyo upang marinig nila ang kautusang ito. Sa ganoon, matututo silang matakot sa Diyos ninyong si Yahweh at sumunod sa kanyang mga utos. Pati ang inyong mga anak na hindi pa nakaaalam nito ay magkakaroon ng takot kay Yahweh habang sila'y nabubuhay sa lupaing titirhan ninyo sa ibayo ng Jordan.” Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Malapit ka nang mamatay. Tawagin mo si Josue at pumunta kayo sa Toldang Tipanan upang bigyan siya ng mga bilin.” Gayon nga ang ginawa nila. Si Yahweh ay bumabâ sa Toldang Tipanan sa anyong haliging ulap at tumayo sa pintuan. Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, “Nalalapit na ang iyong kamatayan. Kapag nangyari na ito, ang Israel ay magpapakasama at maglilingkod sa mga diyus-diyosan sa lupaing pupuntahan nila. Tatalikod sila sa akin at sisira sa aming kasunduan. Kung magkaganoon, magagalit ako sa kanila. Itatakwil ko sila't tatalikuran, at sila'y madaling mabibihag ng kaaway. Daranas sila ng mga kaguluhan at kapahamakan hanggang sa mapag-isip-isip nilang ito'y dahil sa akong Diyos nila ay hindi nila kasama. “Pababayaan ko sila dahil sa kasamaang ginawa nila, ang pagsamba nila sa mga diyus-diyosan. Kaya nga, isulat mo ang awiting ito at ituro sa bansang Israel upang maging tagapagpaalala sa kanila. Kapag nadala ko na sila sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, tulad ng aking pangako sa kanilang mga ninuno, mamumuhay na sila nang sagana at tiwasay. Ngunit sasamba sila at maglilingkod sa mga diyus-diyosan. Tatalikod sila sa akin at sisira sa aming kasunduan. Kung dumating na sa kanila ang matinding kahirapan at kaguluhan, ang awit na ito ang siyang susumbat sa kanila sapagkat matatanim ito sa isipan ng magiging lahi nila. Hindi ko pa sila nadadala sa lugar na ibibigay ko sa kanila ay alam ko na ang kanilang binabalak.” Nang araw ring iyon, sinulat niya ang isang awit at itinuro ito sa mga Israelita. Itinalaga ni Yahweh si Josue na anak ni Nun. Sinabi niya, “Magpakatatag at lakasan mo ang loob mo sapagkat ikaw ang mangunguna sa Israel sa pagpunta nila sa lupaing ipinangako ko sa kanila. Hindi kita pababayaan.” Matapos isulat ni Moises sa isang aklat ang buong kautusan, sinabi niya sa mga pari, “Dalhin ninyo ang aklat na ito at itabi sa Kaban ng Tipan upang maging babala sa inyo. Alam kong kayo'y mapaghimagsik at matigas ang ulo. Kung ngayong buháy pa ako ay lagi kayong naghihimagsik kay Yahweh, lalo na kung patay na ako. Pupulungin ko ang inyong matatanda at ang inyong mga pinuno. Ipapaliwanag ko sa kanila ang mga bagay na ito, at gagawin kong saksi ang langit at lupa laban sa kanila. Sapagkat natitiyak kong kayo'y magpapakasama pagkamatay ko, lilihis kayo sa daang itinuro ko sa inyo. Darating ang araw na magagalit sa inyo si Yahweh dahil gagawin ninyo ang pinakaaayawan niya.” Ito ang kabuuan ng awit na ipinarinig ni Moises sa mga Israelita: “Pakinggan mo, langit, ang aking sasabihin, unawain mo, lupa, ang aking bibigkasin. Pumatak nawang gaya ng ulan ang aking ituturo, ang salita ko nawa'y tulad ng hamog na namumuo; upang halama'y diligan at damo'y tumubo. Sapagkat si Yahweh ay aking pupurihin, ang kanyang pangalan ay inyong dakilain. “Si Yahweh ang inyong batong tanggulan, mga gawa niya'y walang kapintasan, mga pasya niya'y pawang makatarungan; siya'y Diyos na tapat at makatuwiran. Datapwat ang Israel sa kanya ay nagtaksil, di na karapat-dapat na mga anak ang turing, dahil sa pagkakasala nila at ugaling suwail. O mga mangmang at hangal na tao, ganyan ba susuklian ang kabutihan sa inyo ni Yahweh na inyong ama at sa inyo'y lumikha, at nagtaguyod na kayo'y maging isang bansa? “Alalahanin ninyo ang mga lumipas na panahon, ang mga salinlahi ng mga nagdaang taon; tanungin ninyo ang inyong ama at kanilang sasabihin, pati ang matatanda at kanilang sasaysayin. Nang ipamahagi ng Kataas-taasang Diyos ang ipapamanang lupain, nang ang mga bansa'y kanyang hati-hatiin, mga hangganan nito'y kanyang itinakda ayon sa dami ng mga anak niya. Pagkat ang lahi ni Jacob ay kanyang pinili, sila ang kanyang tagapagmanang lahi. “Sa isang disyerto sila'y kanyang natagpuan, sa isang lupang tigang at walang naninirahan. Doon sila'y kanyang pinatnubayan, binantayan at doo'y inalagaan. Isang inahing agila, ang kanyang katulad, sila'y mga inakay na tinuruan niyang lumipad; upang ang Israel ay hindi bumagsak, sinasalo niya ng malalapad niyang pakpak. Si Yahweh lamang ang sa kanila'y pumatnubay, walang diyos na banyaga ang sa kanila'y dumamay. “Kanyang pinagtagumpay sila sa kaburulan, sila'y kumain ng mga ani sa kabukiran. Nakakuha sila ng pulot sa mga batuhan, nakahukay rin ng langis sa lupang tigang. Kanilang mga baka't kambing ay sagana sa gatas; pinakamainam ang kanilang kawan, trigo, at katas ng ubas. “Si Jacob na irog, tumaba't lumaki—katawa'y bumilog; ang Diyos na lumalang kanyang tinalikuran, at itinakwil ang batong tanggulan ng kanyang kaligtasan. Pinanibugho nila si Yahweh dahil sa mga diyus-diyosan. Poot niya'y pinag-alab sa pagsambang kasuklam-suklam. Naghain sila ng handog sa mga demonyo, sa mga diyus-diyosang hindi nila alam kung ano; ngayon lamang dumating mga diyos na bago, na hindi sinamba ng kanilang mga lolo. Iniwan ninyo ang batong tanggulan na sa inyo'y nagdalang-tao, kinalimutan ninyo ang Diyos na tunay na sa inyo ay nagbigay-buhay. “Nang makita ni Yahweh ang ginawa nilang ito, napuspos siya ng galit, poot niya'y nag-alimpuyo laban sa mga anak na inari niyang totoo. ‘Kaya't ako'y lalayo,’ ang sabi niya, ‘Kanilang mga dalangin di na diringgin pa, tingnan ko lang ang kanilang sasapitin— isang lahing suwail, mga anak na taksil. Pinanibugho nila ako sa mga diyos na hindi totoo, sa pagsamba sa kanila'y ginalit nila ako, kaya't bayang hangal kahit hindi akin ay siyang gagamitin, upang aking bayan galitin at panibughuin. Galit ko'y bubuga ng nag-aalab na poot, maglalagablab hanggang sa kalaliman ng daigdig ng mga patay. Lupa't bunga nito apoy ang tutupok, sa mga saligan ng bundok siya ang susunog.’ “‘Tatambakan ko sila ng labis na paghihirap, pauulanan ko sila ng aking mga sibat. Padadalhan ko sila ng nakakalunos na salot, matinding lagnat at gutom ang aking idudulot. Mababangis na hayop aking pasasalakayin, makamandag na ahas sila'y tutuklawin. Sa mga lansanga'y magkakaroon ng mga patayan, sindak at takot naman sa mga tahanan; binata't dalaga'y kapwa pupuksain, maging pasusuhing sanggol at matatandang ubanin. Naisip ko na sana'y sila ang lipulin, sa alaala ng madla sila ay pawiin. Subalit ayaw kong mangyari na ang mga kaaway ay pahambog na magsabi: Kami ang lumupig sa kanila, ngunit akong si Yahweh ang talagang sa kanila'y nagparusa.’ “Sila'y isang bansang salat sa katuwiran, isang bayang wala ni pang-unawa man. Kung sila'y matalino, naunawaan sana nila nangyaring pagkatalo. Kung bakit sila nagapi, sasabihin nila ito: Paano matutugis ng isa ang sanlibo? O ang sampung libo ng dalawa katao? Sila'y pinabayaan ng kanilang batong tanggulan na sa kanila'y nagtakwil at nang-iwan. Tunay ngang tanggulan nila'y hindi tulad ng sa atin; maging ating mga kaaway ito rin ang sasabihin. Sila ay sanga ng ubasan ng Sodoma, mga nagmula sa taniman ng Gomorra; mga ubas nila'y tunay na lason at mapakla. Ang alak na dito'y kinakatas, ay gaya ng mabagsik na kamandag ng ahas. “Hindi ba't iniingatan ko ito sa aking kaban, natatakpang mahigpit sa aking taguan? Akin ang paghihiganti, ako ang magpaparusa; kanilang pagbagsak ay nalalapit na. Araw ng kapahamakan sa kanila'y darating, lubos na pagkawasak ay malapit ng sapitin. Bibigyan ng katarungan ni Yahweh ang kanyang bayan, mga lingkod niyang hirang kanyang kahahabagan. Kapag nakita niyang sila'y nanghihina, at lakas nila'y unti-unting nawawala. Pagkatapos itatanong ng Diyos sa kanyang bayan, ‘Nasaan ngayon ang inyong mga diyos, tanggulang inyong pinagkatiwalaan? Sinong umubos sa taba ng inyong handog, at sino ang uminom ng alak ninyong kaloob? Bakit hindi ninyo sila tawagin at tulong ay hingin? Hindi ba nila kayo kayang sagipin? “‘Alamin ninyong ako ang Diyos—Oo, ako lamang. Maliban sa akin ay wala nang iba pa. Ako'y pumapatay at nagbibigay-buhay, ako'y sumusugat at nagpapagaling din naman. Wala nang makakapigil, anuman ang aking gawin. Isinusumpa ko ito sa harap ng kalangitan, habang ako'y nabubuhay, Diyos na walang hanggan. Hahasain ko ang aking tabak na makinang upang igawad ang aking katarungan. Mga kaaway ko'y aking paghihigantihan, at sisingilin ko ang sa aki'y nasusuklam. Sa aking mga palaso dugo nila'y dadanak, laman nila'y lalamunin nitong aking tabak; hindi ko igagalang sinumang lumaban, tiyak na mamamatay bilanggo ma't sugatan!’ “Mga bansa, bayan ni Yahweh'y inyong papurihan, mga pumapatay sa kanila'y kanyang pinaparusahan. Ang kanilang mga kaaway kanyang ginagantihan, at pinapatawad ang kasalanan ng kanyang bayan.” Ito nga ang inawit nina Moises at Josue sa harapan ng mga Israelita. Pagkatapos bigkasin ni Moises ang lahat ng ito sa harap ng buong bayan ng Israel, sinabi niya, “Itanim ninyo sa isip ang mga salitang narinig ninyo sa akin ngayon. Ituro ninyo sa inyong mga anak, upang masunod nilang mabuti ang buong kautusan. Mahalaga ang mga salitang ito sapagkat dito nakasalalay ang inyong buhay. Kung susundin ninyong mabuti, mabubuhay kayo nang matagal sa lupaing sasakupin ninyo sa kabila ng Jordan.” Nang araw ring iyon, sinabi ni Yahweh kay Moises, “Umakyat ka sa Abarim, sa Bundok ng Nebo na sakop ng Moab, sa tapat ng Jerico, at tanawin mo ang Canaan, ang lupaing ibibigay ko sa mga Israelita. Doon ka mamamatay sa bundok na iyon tulad ng nangyari kay Aaron sa Bundok ng Hor, sapagkat sinuway ninyo ako sa harapan ng bayang Israel noong sila'y nasa tabi ng tubig sa Meriba-kades sa ilang ng Zin. Hindi ninyo pinakita sa mga Israelita na ako ay banal. Matatanaw mo ang lupaing ibibigay ko sa bayang Israel ngunit hindi mo ito mararating.” Ito ang mga pagpapalang binigkas ni Moises na lingkod ng Diyos, bago siya namatay. “Dumating si Yahweh mula sa Bundok Sinai. Sumikat sa Edom na parang araw, at sa bayan niya'y nagpakita sa Bundok Paran. Sampung libong anghel ang kanyang kasama, nagliliyab na apoy ang nasa kanang kamay niya. Minamahal ni Yahweh ang kanyang bayan at iniingatan ang kanyang hinirang. Kaya't yumuyukod kami sa kanyang paanan, at sinusunod ang kanyang kautusan. Binigyan kami ni Moises ng kautusan, na siyang yaman ng aming bayan. Naging hari si Yahweh ng Israel na kanyang bayang hirang, nang ang mga pinuno ng mga lipi nito ay nagkakabuklod. “Ang lipi ni Ruben sana'y manatili, kahit ang bilang niya'y kakaunti.” Tungkol kay Juda ay ganito ang sinabi: “Dinggin mo, Yahweh, ang daing nitong Juda, ibalik mo siya sa piling ng kanyang bayan, at tulungan siya sa pakikipaglaban.” Tungkol kay Levi ay kanyang sinabi: “Ang Tumim ay kay Levi, ang Urim ay sa tapat mong alipin; sa kanya na iyong sinubok sa Masah at sa may tubig ng Meriba. Higit ka niyang pinahalagahan kaysa kanyang mga magulang, pati anak at kapatid ay hindi isinaalang-alang. Upang masunod lang ang iyong kautusan, at maging tapat sa iyong kasunduan. Kaya't siya ang magtuturo sa Israel ng iyong kautusan, siya ang magsusunog ng insenso at mga alay sa altar. Palakasin mo nawa, Yahweh, ang kanyang angkan, paglilingkod niya'y iyong pahalagahan. Durugin mong lahat ang kanyang kaaway, upang di na makabangon kailanman.” Tungkol naman kay Benjamin, ganito ang sinabi: “Mahal ka ni Yahweh at iniingatan, sa buong maghapon ika'y binabantayan, at sa kanyang mga balikat ika'y mananahan.” Tungkol kay Jose ay sinabi: “Pagpalain nawa ni Yahweh ang kanilang lupain, sa hamog at ulan ay palaging diligin, at tubig mula sa lupa ay pabukalin. Magkaroon nawa siya ng mga bungang hinog araw-araw, at mga pagkaing inani sa kapanahunan. Mapupuno ng prutas maging matandang kabundukan. Ang lupain niya'y sasagana sa lahat ng kabutihan, mula kay Yahweh na nagsalita mula sa nag-aapoy na halaman. Tamasahin nawa ng lipi ni Jose ang mga pagpapalang ito, sapagkat sa ibang lipi'y siya ang namuno. Ang panganay niya ay magiging makapangyarihan; parang lakas ng toro ang kanyang taglay. Ang mga bansa'y sama-samang itataboy hanggang dulo ng daigdig. Ganyan ang kapangyarihan ng laksa-laksang kawal ni Efraim, sa ganyan matutulad libu-libong kawal ni Manases.” Tungkol kina Zebulun at Isacar ay sinabi: “Magtagumpay nawa si Zebulun sa pangangalakal sa karagatan, at sa bayan ni Isacar ay dumami ang kayamanan. Ang ibang mga bansa ay dadalo sa paghahandog ninyo doon sa bundok, pagkat ang yaman nila'y buhat sa dagat at sa buhanginan sa baybay nito.” Tungkol kay Gad ay sinabi: “Purihin ang Diyos na nagpalawak ng lupain ni Gad. Si Gad ay parang leon na nag-aabang at handang sumakmal ng leeg o kamay. Pinili nila ang pinakamainam na lupain, lupaing nababagay sa isang pangunahin. Sumama siya sa mga pinuno ng Israel upang mga utos ni Yahweh ay kanilang tuparin.” Tungkol kay Dan ay sinabi: “Isang batang leon ang katulad ni Dan, na palukso-lukso mula sa Bashan.” Tungkol kay Neftali ay sinabi: “Lubos na pinagpala ni Yahweh itong si Neftali, mula sa lawa hanggang timog ang kanilang kaparte.” Tungkol kay Asher ay sinabi: “Higit na pinagpala kaysa ibang lipi itong si Asher, kagiliwan sana siya ng mga anak ni Israel. Sumagana sa langis olibo ang kanyang lupain. Bakal at tanso sana ang pintuan ng iyong mga bayan. Maging mahaba at matatag nawa ang iyong pamumuhay.” Ang iyong Diyos, O Israel, ay walang kagaya, mula sa langit dumarating upang tulungan ka. Sa mula't mula pa'y ang Diyos na ang inyong tanggulan, walang hanggan niyang bisig ang inyong kanlungan. Mga kaaway ninyo'y kanyang ipinagtabuyan, at inutusan kayong sila'y lipuling lubusan. Kaya ang bayang Israel ay nanirahang tiwasay, sa lupaing sagana sa lahat ng bagay, at laging dinidilig ng hamog sa kalangitan. Bansang Israel, ikaw ay mapalad! Walang bansa na iyong katulad, pagkat si Yahweh ang sa iyo'y nagligtas. Siya ang kalasag ng iyong kaligtasan, at tabak ng iyong tagumpay. Magmamakaawa ang iyong mga kaaway, ngunit sila'y iyong tatapakan. Umahon si Moises mula sa kapatagan ng Moab patungo sa Bundok ng Nebo, sa taluktok ng Pisga, sa gawing silangan ng Jerico. Ipinakita sa kanya roon ni Yahweh ang buong lupain. Mula sa Gilead hanggang Dan, ang buong Neftali, ang lupain ng Efraim at Manases, ang buong lupain ng Juda hanggang sa Dagat ng Mediteraneo, ang katimugan at ang kapatagan, samakatuwid ay ang libis ng Jerico, ang lunsod ng mga palmera, hanggang Zoar. Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Iyan ang lupain na aking ipinangako sa iyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob. Sinabi ko sa kanilang ibibigay ko ito sa kanilang lahi. Ipinakita ko ito sa iyo ngunit hindi mo mararating.” At si Moises na lingkod ni Yahweh ay namatay sa lupain ng Moab, tulad ng sinabi ni Yahweh. Inilibing siya ni Yahweh sa isang libis sa Moab sa tapat ng Beth-peor, ngunit hanggang ngayo'y walang nakakaalam ng tiyak na lugar. Siya'y sandaa't dalawampung taóng gulang nang mamatay. Hindi lumabo ang kanyang paningin at hindi rin nanghina ang kanyang pangangatawan. Tatlumpung araw siyang ipinagluksa ng Israel sa kapatagan ng Moab. Si Josue na anak ni Nun ay napuno ng karunungan sa pamamahala sapagkat ipinatong sa kanya ni Moises ang kanyang mga kamay. Sumunod sa kanya ang mga Israelita at ginawa nila ang lahat ng utos na ibinigay ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises. Mula noon ay wala nang lumitaw sa Israel na propetang katulad ni Moises na nakipag-usap nang harap-harapan kay Yahweh. Wala na ring nakagawa ng mga kababalaghang tulad ng ipinagawa sa kanya ni Yahweh sa Egipto, sa harapan ng Faraon at ng mga lingkod nito. Walang ibang nakagawa ng makapangyarihan at pambihirang mga gawa tulad ng ginawa ni Moises sa harapan ng bayang Israel. Pagkamatay ni Moises na lingkod ni Yahweh, sinabi ni Yahweh kay Josue na anak ni Nun at lingkod ni Moises, “Patay na ang lingkod kong si Moises. Ngayo'y humanda ka at ang buong Israel, at tumawid kayo sa Ilog Jordan, patungo sa lupaing ibinibigay ko sa kanila. Gaya ng aking sinabi kay Moises, ibinigay ko na sa inyo ang lahat ng lupaing inyong mararating. Ito ang magiging hangganan ninyo: sa hilaga ay ang kabundukan ng Lebanon; sa timog ay ang disyerto; sa silangan, ang malaking Ilog Eufrates; at sa kanluran, mula sa lupain ng mga Heteo hanggang sa Dagat Mediteraneo. Walang makakagapi sa iyo habang ikaw ay nabubuhay. Sasamahan kita gaya ng pagpatnubay ko kay Moises. Hindi kita iiwan ni hindi pababayaan man. Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob sapagkat ikaw ang mamumuno sa bayang ito sa pagsakop nila sa lupaing ibibigay ko sa kanila, ayon sa aking pangako sa inyong mga ninuno. Basta't magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Sundin mong mabuti ang buong Kautusang ibinigay sa inyo ni Moises. Huwag kang susuway sa anumang nakasaad doon, at magtatagumpay ka saan ka man magpunta. Huwag mong kaliligtaang basahin ang aklat ng kautusan. Pagbulay-bulayan mo iyon araw at gabi upang matupad mo ang lahat ng nakasaad doon. Sa ganoon, magiging masagana at matagumpay ang iyong pamumuhay. Tandaan mo ang bilin ko: Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Huwag kang matatakot o mawawalan ng pag-asa sapagkat akong si Yahweh, na iyong Diyos, ay kasama mo saan ka man magpunta.” Kaya't ipinag-utos ni Josue sa mga pinuno ng bayan, “Libutin ninyo ang buong kampo at paghandain ng pagkain ang mga tao. Sa ikatlong araw, tatawid tayo ng Ilog Jordan upang sakupin ang lupaing ibinibigay sa atin ni Yahweh na ating Diyos.” Sinabi naman ni Josue sa mga lipi nina Ruben, Gad at sa kalahating lipi ni Manases, “Alalahanin ninyo ang sinabi sa inyo ni Moises na lingkod ni Yahweh: ‘Ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos ang lupaing ito upang dito kayo manirahan.’ Ang inyong mga asawa, mga anak at mga kawan ay maiiwan sa lupaing ibinigay sa inyo ni Moises sa silangan ng Jordan. Ngunit ang inyong mga mandirigma ay tatawid at mauuna sa iba pa ninyong mga kapatid upang tumulong sa kanila sa pakikidigma. Kapag nasakop na rin nila ang mga lupaing ibinigay sa kanila ni Yahweh, maaari na kayong bumalik at manirahan dito sa lupaing ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Diyos.” Sumagot sila kay Josue, “Gagawin namin ang lahat ng sinabi mo, at pupunta kami saan mo man kami gustong papuntahin. Kung paanong sinunod namin si Moises, susundin ka rin namin nang gayon. Samahan ka nawa ni Yahweh, tulad ng ginawa niya kay Moises. Ang sinumang tututol o susuway sa utos mo ay dapat patayin. Kaya't magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob.” Buhat sa kampo ng Sitim, si Josue na anak ni Nun ay nagpadala ng dalawang espiya. Sila'y pinagbilinan niya ng ganito: “Pumunta kayo sa lupain ng Canaan, manmanan ninyo ito, lalung-lalo na ang lunsod ng Jerico.” Pumunta nga sila roon at tumuloy sa bahay ni Rahab, isang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw at doon sila nagpalipas ng gabi. Nakaabot sa kaalaman ng hari ng Jerico ang balita na may mga espiyang Israelita na nakapasok sa bayan nang gabing iyon. Kaya't ang hari ay nagpadala ng sugo kay Rahab at ipinasabi, “Ilabas mo ang mga lalaking nasa bahay mo. Naparito ang mga iyan upang lihim na magsiyasat sa ating lupain.” Ngunit itinago ni Rahab ang dalawa, at pagkatapos ay ganito ang isinagot, “Mayroon nga pong mga lalaking nakituloy sa amin, ngunit hindi ko po alam kung tagasaan sila. Umalis po sila nang isasara na ang pintuan ng lunsod bago kumagat ang dilim. Hindi ko po natanong kung saan sila papunta, ngunit kung hahabulin ninyo agad ay aabutan pa ninyo.” Sa itaas ng bubong niya pinatago ang dalawang espiya, at tinabunan ng mga tangkay ng lino na isinalansan niya roon. Hinabol nga ng mga tauhan ng hari ang dalawang espiya hanggang sa tawiran ng Ilog Jordan. Pagkalabas ng mga humahabol, isinara ang pinto ng lunsod. Bago natulog ang mga espiya, umakyat si Rahab sa bubong at sinabi sa kanila, “Alam kong ibinigay na sa inyo ni Yahweh ang lupaing ito, at ang mga tagarito'y takot na takot sa inyo. Nabalitaan namin kung paanong pinatuyo ni Yahweh ang Dagat na Pula nang kayo'y tumawid galing sa Egipto. Nalaman din namin na pinatay ninyo sina Sihon at Og, mga hari ng mga Amoreo sa silangan ng Jordan, at nilipol ang kanilang mga hukbo. Kinilabutan kami nang marinig ang mga balitang iyon. Natakot kaming humarap sa inyo, sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ay Diyos ng langit at ng lupa. Kaya ngayo'y ipangako ninyo sa ngalan ni Yahweh na hindi ninyo gagawan ng masama ang aking sambahayan alang-alang sa pagtulong kong ito sa inyo. Bigyan ninyo ako ng isang katibayang ililigtas nga ninyo ang aking ama't ina, ang aking mga kapatid at ang kanilang mga pamilya; katibayang hindi ninyo kami hahayaang mapatay.” Sinabi sa kanya ng mga espiya, “Ang buhay namin ang garantiya sa buhay ninyo. Huwag mo lang ipagsasabi ang pakay namin dito, ipinapangako naming walang masamang mangyayari sa inyo kapag ibinigay na sa amin ni Yahweh ang lupaing ito.” Nakakabit sa pader ng lunsod ang bahay ni Rahab, kaya't buhat sa kanyang bintana'y inihugos niya sa labas ng lunsod ang dalawang espiya. Ngunit bago sila umalis, sila'y pinagbilinan niya ng ganito: “Pumunta muna kayo sa kaburulan at magtago kayo roon ng tatlong araw upang hindi kayo makita ng mga tauhan ng hari. Kapag nakabalik na sila sa lunsod, saka na kayo lumakad.” Sinabi naman sa kanya ng dalawa, “Tutuparin namin ang aming pangako alang-alang sa iyo. Kailangang gawin mo ito: Pagbalik namin para sakupin ang inyong lunsod, ilawit mo ang pulang lubid na ito sa bintanang aming bababaan. Tipunin mo sa iyong bahay ang iyong ama't ina, ang iyong mga kapatid at ang buong angkan ng iyong ama. Hindi kami mananagot kung may lumabas ng bahay at mapatay, ngunit pananagutan namin kapag may nasaktan sa sinumang nasa loob ng bahay. Subalit kapag ipinagsabi mo itong ating pinag-usapan, huwag mo nang asahan ang pangako namin sa iyo.” Pumayag ang babae at pagkatapos ay pinaalis na ang mga espiya. Pagkatapos, itinali niya sa labas ng bintana ang lubid na pula. Pumunta nga ang mga espiya sa kaburulan at tatlong araw na nagtago roon habang pinaghahanap sila ng mga tauhan ng hari. Pagkatapos, bumalik na ang mga ito sa lunsod nang hindi nila makita ang mga espiya. Bumabâ naman mula sa kaburulan ang mga espiya, tumawid ng ilog at nagbalik kay Josue. Iniulat nila kay Josue ang buong pangyayari. “Ibinigay na sa atin ni Yahweh ang lupaing iyon,” ang sabi nila. “Mabanggit lamang ang pangalan nati'y nangangatog na sa takot ang mga tagaroon.” Maagang-maaga pa'y gumising na si Josue at ang buong Israel. Umalis sila sa Sitim patungong Ilog Jordan, at nagkampo sila sa pampang nito bago tumawid. Pagkalipas ng tatlong araw, naglibot sa kampo ang mga pinuno at sinabi sa mga tao, “Kapag nakita ninyong dala ng mga paring Levita ang Kaban ng Tipan ng Diyos ninyong si Yahweh, lumakad na kayo at sumunod doon. Sa kanila ninyo malalaman kung saan kayo daraan, sapagkat hindi pa kayo nakakarating dito kahit minsan. Ngunit huwag kayong masyadong lalapit sa Kaban ng Tipan; paunahin ninyo ito nang mga 900 metro.” Sinabi naman ni Josue sa mga tao, “Linisin ninyo ang inyong mga sarili sapagkat bukas ay masasaksihan ninyo ang mga himalang gagawin ni Yahweh.” Pagkatapos ay inutusan niya ang mga paring Levita, “Buhatin na ninyo ang Kaban ng Tipan at mauna kayo sa mga taong-bayan.” At iyon nga ang ginawa nila. Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Sa araw na ito'y gagawin kitang dakila sa paningin ng buong Israel. Sa gagawin ko'y mababatid nilang pinapatnubayan kita, tulad ng ginawa ko kay Moises. Sabihin mo sa mga paring Levita na magdadala ng Kaban ng Tipan na magtuloy na sila sa Ilog Jordan, ngunit pagdating nila sa tubig sa pampang nito ay huminto muna sila.” Ang Kaban ng Tipan ng Panginoon ng buong mundo ay mauunang itatawid ng Ilog Jordan. Pumili kayo ng labindalawang lalaki, isa sa bawat lipi ng Israel. Kapag tumuntong na sa tubig ang mga paring may dala ng Kaban ng Tipan ni Yahweh, ang Panginoon ng buong mundo, titigil ng pag-agos ang Ilog Jordan. Ang tubig ay matitipon sa isang lugar.” Sa pangunguna ng mga paring may dala ng Kaban ng Tipan, umalis ng kampo ang bayang Israel upang tumawid sa ilog. Malaki ang tubig ng Jordan sa panahon ng tag-ani. Nang sumapit sa Ilog Jordan ang mga paring may dala ng Kaban ng Tipan, tumigil ang pag-agos ng tubig, at ang tubig ay natipon sa tapat ng bayan ng Adam, lunsod na nasa tabi ng Zaretan. Samantala, ang agos na pababa sa Dagat na Patay, sa Araba, ay nagpatuloy hanggang sa natuyo ang ilog at nakatawid ang mga Israelita. Malapit sa Jerico ang kanilang tinawiran. Nanatili sa gitna ng natuyong ilog ang mga paring may dala ng Kaban ng Tipan, hanggang sa makatawid sa kabilang pampang ang buong sambayanang Israel. Nang makatawid na sa Ilog Jordan ang buong sambayanan, sinabi ni Yahweh kay Josue, “Pumili ka ng labindalawang lalaki, isa sa bawat lipi. Pakuhanin mo sila ng tig-iisang bato sa gitna ng Jordan, sa mismong kinatayuan ng mga pari. Ipadala mo sa kanila ang mga bato at ilagay sa pagkakampuhan ninyo ngayong gabi.” Tinawag nga ni Josue ang labindalawang lalaking pinili niya, at sinabi sa kanila, “Mauna kayo sa Kaban ng Tipan ni Yahweh. Pagdating ninyo sa gitna ng Ilog Jordan, kumuha kayo ng tig-iisang bato, pasanin ninyo ang mga ito, isa para sa bawat lipi ng Israel. Ang mga batong ito ang magpapaalaala sa bayang Israel sa mga ginawa ni Yahweh. Kung sa panahong darating ay itanong ng inyong mga anak kung ano ang kahulugan ng mga batong iyan, sabihin ninyong tumigil ang pag-agos ng Ilog Jordan nang itawid ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. Ang mga batong ito ang magpapaalaala sa Israel ng mga pangyayaring ito habang panahon.” Ginawa nga ng labindalawa ang iniutos sa kanila ni Josue. Tulad ng sinabi ni Yahweh kay Josue, kumuha sila ng labindalawang bato sa gitna ng ilog, isa para sa bawat lipi ng Israel. Dinala nila ang mga bato sa kanilang pinagkampuhan. Naglagay rin si Josue ng labindalawang bato sa gitna ng Ilog Jordan, sa lugar na kinatayuan ng mga paring may dala ng Kaban ng Tipan. (Naroon pa hanggang ngayon ang mga batong iyon.) Nanatili sa gitna ng Ilog Jordan ang mga pari hanggang sa maisagawa ng mga tao ang lahat ng mga iniutos ni Yahweh kay Josue upang kanilang gawin. Natupad ang lahat ayon sa iniutos ni Moises kay Josue. Nagmamadaling tumawid ang mga tao. Pagkatawid nila, itinawid din ang Kaban ng Tipan, at ang mga pari'y muling nauna sa mga taong-bayan. Tumawid din at nanguna sa bayan ang mga lalaking sandatahan buhat sa lipi nina Ruben, Gad at kalahati ng lipi ni Manases ayon sa iniutos ni Moises. May apatnapung libong mandirigma ang dumaan sa harapan ng kaban ni Yahweh patungo sa kapatagan ng Jerico. Sa araw na iyon, ginawang dakila ni Yahweh si Josue sa paningin ng buong Israel. At siya'y iginalang nila habang siya'y nabubuhay, tulad ng ginawa nila kay Moises. Iniutos ni Yahweh kay Josue, “Sabihin mo sa mga paring may dala ng Kaban ng Tipan na umahon na sila sa Jordan.” Ganoon nga ang ginawa ni Josue. Nang makaahon ang mga paring may dala ng Kaban ng Tipan, muling umagos ang ilog at umapaw sa pampang ang tubig. Ika-10 araw ng unang buwan ng taon nang tumawid ng Ilog Jordan ang bayang Israel. Nagkampo sila sa Gilgal na nasa silangan ng Jerico. Doon inilagay ni Josue ang labindalawang bato na ipinakuha niya sa Jordan. Pagkatapos, sinabi niya sa bayang Israel, “Kapag itinanong sa inyo ng inyong mga anak kung ano ang kahulugan ng mga batong iyan, sabihin ninyo sa kanila na lumakad sa tuyong lupa ang bayang Israel nang tumawid sa Ilog Jordan. Sabihin din ninyo na pinatuyo ni Yahweh ang tubig ng Jordan habang kayo'y tumatawid, tulad ng ginawa niya sa Dagat na Pula habang kami'y tumatawid noon. Sa ganitong paraan, kikilalanin ng lahat ng tao sa daigdig ang kapangyarihan ni Yahweh, at pararangalan ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh sa habang panahon.” Nabalitaan ng mga haring Amoreo na nasa kanluran ng Jordan at ng mga haring Cananeo na nasa baybayin ng Dagat Mediteraneo na pinatuyo ni Yahweh ang Ilog Jordan nang tumawid ang bayang Israel. Dahil dito'y natakot silang lahat, at nasiraan sila ng loob sa pagdating ng mga Israelita. Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Kumuha ka ng batong matalim, gawin mong panghiwa, at tuliin mo ang mga kalalakihan ng Israel.” Gayon nga ang ginawa ni Josue, tinuli niya ang mga lalaki sa isang lugar na tinatawag na Burol ng Pagtutuli. Ginawa niya ito sapagkat namatay na ang lahat ng mga lalaking may sapat na gulang upang makipagdigma sa panahon ng paglalakbay noong sila'y umalis sa Egipto. Ang mga iyon ay pawang tuli na, ngunit ang mga isinilang sa panahon ng paglalakbay sa ilang ay hindi pa. Apatnapung taon nang naglakbay sa ilang ang bayang Israel hanggang sa namatay lahat ang mga lalaking may sapat na gulang upang makipagdigma nang sila'y umalis sa Egipto. Sinuway nila si Yahweh, kaya sinabi niya sa kanila na hindi nila makikita ang mayaman at masaganang lupain na ipinangako niya sa kanilang mga ninuno. Ang kanilang mga anak na lalaki na humalili sa kanila ang tinuli ni Josue, sapagkat ang mga ito'y hindi tinuli nang panahon ng paglalakbay. Matapos tuliin ang lahat ng kalalakihan, nanatili sa kampo ang buong bayan hanggang sa gumaling ang mga sugat. At sinabi ni Yahweh kay Josue, “Inalis ko ngayon ang kahihiyan ng pagkaalipin ninyo sa Egipto.” Kaya't ang lugar na iyon ay tinawag na Gilgal magpahanggang ngayon. Samantalang ang mga Israelita ay nasa Gilgal sa kapatagan ng Jerico, ipinagdiwang nila ang Paskwa noong kinagabihan ng ikalabing apat na araw ng unang buwan. Kinaumagahan, araw pa rin ng Paskwa, kumain sila ng mga pagkaing inani nila sa lupaing iyon: sinangag na trigo at tinapay na walang pampaalsa. Hindi na muling umulan pa ng manna nang makakain na sila ng mga inani nila sa lupain ng Canaan. Kaya't mula nang taóng iyon, pagkaing inaani na sa Canaan ang kanilang kinakain. Minsa'y napadako si Josue malapit sa Jerico, nang biglang nagpakita sa kanya ang isang lalaking may hawak na tabak. Nilapitan ito ni Josue at tinanong, “Ikaw ba'y isang kakampi, o isang kaaway?” “Hindi,” sagot ng lalaki. “Ako'y naparito bilang pinuno ng hukbo ni Yahweh.” Nagpatirapa si Josue at sumamba. Sinabi niya, “Ano po ang ipinag-uutos ni Yahweh sa kanyang alipin?” Sumagot ang pinuno ng hukbo ni Yahweh, “Alisin mo ang iyong mga sandalyas sapagkat lupang banal ang iyong tinutuntungan.” At ginawa nga ni Josue ang iniutos sa kanya. Isinara ang mga pintuan ng Jerico upang huwag makapasok ang mga Israelita. Ipinagbawal na lumabas o pumasok ang sinuman. Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Pakinggan mo ito! Ibinigay ko na sa iyong mga kamay ang Jerico, upang sakupin ito at gapiin ang kanyang hari at magigiting na kawal. Ikaw at ang iyong mga kawal ay liligid sa palibot ng Jerico minsan isang araw sa loob ng anim na araw. Pauunahin mo sa Kaban ng Tipan ang pitong paring may dalang mga trumpeta na yari sa sungay. Sa ikapitong araw, pitong beses kayong liligid sa lunsod, at hihipan ng mga pari ang dala nilang trumpeta. Pagkarinig ninyo ng isang malakas at mahabang tunog ng tambuli, lahat kayo'y ubod-lakas na sisigaw. Sa sandaling iyon, babagsak ang mga pader ng lunsod at walang sagabal na makakapasok doon ang lahat.” Kaya't tinawag ni Josue ang mga pari ng Israel at sinabi sa kanila, “Dalhin ninyo ang Kaban ng Tipan ni Yahweh; mauuna ang pitong paring may dalang mga trumpeta.” At sinabi naman niya sa mga taong-bayan, “Lumakad na kayo! Lumigid kayo sa lunsod, at paunahin ninyo sa Kaban ng Tipan ni Yahweh ang mga sandatahang lalaki.” Tulad ng sinabi ni Josue, lumakad nga sa unahan ng Kaban ng Tipan ang pitong paring may dalang trumpeta, at habang lumalakad ay hinihipan nila ang mga ito. Nauuna sa mga pari ang unang hanay ng mga kawal. Kasunod naman ng Kaban ng Tipan ang mga kawal na nasa panghuling hanay. Samantala, walang tigil ang tunog ng mga trumpeta. Ngunit sinabi ni Josue sa mga tao, “Huwag kayong sisigaw, o magsasalita man, hanggang hindi ko kayo binibigyan ng hudyat.” Sa utos nga ni Josue, iniligid nilang minsan sa lunsod ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. Pagkatapos, bumalik sila sa kampo at doon sila nagpalipas ng gabi. Kinabukasan, maagang bumangon si Josue. Binuhat ng mga pari ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, at muling nauna rito ang pitong pari na walang tigil sa pag-ihip ng dala nilang trumpeta. Muling pumuwesto sa unahan nila ang unang hanay ng mga kawal, samantalang ang mga panghuling hanay ay nasa likuran ng Kaban ng Tipan ni Yahweh. Patuloy ang pag-ihip sa mga trumpeta. Nilibot nga nilang minsan ang lunsod noong ikalawang araw, at pagkatapos ay bumalik silang muli sa kampo. Ganito ang ginawa nila araw-araw sa loob ng anim na araw. Nang ikapitong araw, bumangon sila nang magbukang-liwayway, at lumibot nang pitong beses sa lunsod. Noon lamang nila ito nilibot nang pitong beses. Sa ikapitong libot, hinipan ng mga pari ang mga trumpeta at iniutos ni Josue sa mga tao, “Sumigaw na kayo sapagkat ibinigay na sa inyo ni Yahweh ang lunsod! Ang buong lunsod at ang anumang matatagpuan doon ay wawasakin bilang handog kay Yahweh. Si Rahab lamang at ang kanyang mga kasambahay ang ililigtas sapagkat itinago niya ang ating mga isinugo roon. At huwag na huwag kayong kukuha ng anumang bagay na nakatakdang wasakin. Kapag kumuha kayo ng anuman, kayo ang magiging sanhi ng pagkapahamak ng buong Israel. Ngunit ang lahat ng bagay na yari sa ginto, pilak, tanso, o bakal ay nakalaan para kay Yahweh, at dapat ilagay sa kabang-yaman ni Yahweh.” Kaya't hinipan nga ng mga pari ang mga trumpeta at nagsigawan nang napakalakas ang mga tao nang marinig iyon. Bumagsak ang mga pader ng lunsod at sumalakay sila. Nakapasok sila nang walang sagabal at nasakop nila ang lunsod. Pinatay nila ang lahat ng tao sa lunsod—alaki't babae, matanda't bata—at pati ang mga asno, baka at tupa. Sinabi ni Josue sa dalawang espiya na isinugo niya noon, “Pumunta kayo sa bahay ng babaing inyong tinuluyan. Ilabas ninyo siya at ang buo niyang angkan, ayon sa inyong pangako sa kanya.” Pumunta nga sila at inilabas si Rahab, ang kanyang ama't ina, mga kapatid at mga alipin. Inilabas din nila pati ang kanyang mga kamag-anak at dinalang lahat sa kampo ng Israel. Pagkatapos ay sinunog nila ang lunsod at tinupok ang lahat ng bagay na naroon, liban sa mga yari sa ginto, pilak, tanso, o bakal. Ang mga ito'y inilagay nila sa kabang-yaman ni Yahweh. Si Rahab na isang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw ay iniligtas ni Josue, pati ang buong angkan nito, sapagkat itinago nito ang mga lalaking isinugo upang lihim na magmanman sa Jerico. Ang mga naging anak at sumunod na salinlahi ni Rahab ay nanirahan sa Israel hanggang sa araw na ito. Noon di'y pinanumpa ni Josue ang buong bayan sa pangalan ni Yahweh. Sinabi niya, “Sumpain ang sinumang magtatayong muli ng lunsod na ito ng Jerico. Mamamatay ang anak na panganay ng sinumang muling maglalagay ng mga saligan nito. Mamamatay ang anak na bunso ng magbabangong muli ng kanyang mga pintuan.” Pinatnubayan ni Yahweh si Josue, at naging tanyag ang kanyang pangalan sa lupaing iyon. Ngunit nilabag ng Israel ang utos ni Yahweh na huwag kukuha sa Jerico ng mga bagay na ipinawawasak ni Yahweh bilang handog sa kanya. Si Acan na anak ni Karmi, apo ni Zabdi at apo-sa-tuhod ni Zera, mula sa lipi ni Juda, ay kumuha ng ilang bagay na ipinagbabawal kunin. Kaya't nagalit sa kanila si Yahweh. Samantala, nagsugo si Josue ng ilang tao buhat sa Jerico upang lihim na magmanman sa lunsod ng Ai na nasa silangan ng Bethel at malapit sa Beth-aven. Pagbabalik nila'y sinabi nila kay Josue, “Hindi na po kailangang pumaroon ang lahat. Magpadala lamang kayo ng mga dalawang libo hanggang tatlong libong mandirigma upang sumalakay sa lunsod ng Ai. Huwag na ninyong pagurin ang lahat, sapagkat maliit lang ang lunsod na iyon.” Kaya't tatlong libong Israelita lang ang sumalakay sa Ai, ngunit sila'y naitaboy ng mga tagaroon. Hinabol sila buhat sa pintuan ng lunsod hanggang sa tibagan ng bato. Tatlumpu't anim ang napatay sa kanila nang sila'y umatras pababa sa bundok, kaya't natakot sila at nasiraan ng loob. Pinunit ni Josue at ng pinuno ng Israel ang kanilang kasuotan dahil sa matinding paghihinagpis. Nagpatirapa sila sa harap ng Kaban ng Tipan ni Yahweh. Naglagay din sila ng abo sa ulo bilang tanda ng kalungkutan hanggang sa paglubog ng araw. At sinabi ni Josue, “Panginoong Yahweh, bakit pa ninyo kami pinatawid ng Ilog Jordan kung ipalilipol din lamang sa mga Amoreo? Mabuti pa'y nanatili na kami sa kabila ng Jordan! Anong sasabihin ko, Panginoon, ngayong umatras sa labanan ang bayang Israel? Mababalitaan ito ng mga Cananeo at ng iba pang naninirahan sa lupaing ito. Pagtutulung-tulungan nila kaming lipulin sa balat ng lupa. Wala po ba kayong gagawin upang ipagtanggol ang inyong dakilang pangalan?” Sumagot si Yahweh, “Tumayo ka! Bakit ka nagpapatirapa nang ganyan? Nagkasala ang bayang Israel! Sumira sila sa kasunduang ibinigay ko sa kanila sapagkat kumuha sila ng mga bagay na nakatakdang wasakin. Ninakaw nila ang mga iyon, itinago at isinama sa kanilang mga ari-arian. Iyan ang dahilan kaya sila natalo ng kanilang kaaway. Natakot sila sapagkat sila rin ay dapat lipulin. Hindi ko na kayo tutulungan hanggang hindi ninyo isinusuko ang bagay na ipinagbabawal ko sa inyo. Tumayo ka at sabihin mo sa bayan na maghanda sila bukas sa pagharap sa akin, sapagkat akong si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ay ganito ang sasabihin: ‘Ikaw rin, Israel, ay dapat wasakin sapagkat may nagtatago sa inyo ng mga bagay na ipinag-utos kong wasakin. Hindi kayo makakaharap sa inyong mga kaaway hanggang hindi naaalis sa inyo ang mga bagay na iyan! Kaya bukas ng umaga, haharap kayo sa akin ayon sa inyu-inyong lipi. Ang liping mapili ko ay hahanay ayon sa kani-kanilang angkan. Ang angkan naman na mapili ko ay hahanay rin ayon sa kani-kanilang sambahayan. At ang sambahayang mapili ko ay hahanay na isa-isa. Ang kakitaan ng mga bagay na ipinag-utos kong wasakin ay siyang ihahagis sa apoy, kasama ang kanyang sambahayan at mga ari-arian, sapagkat hindi niya iginalang ang kasunduang ibinigay ko sa kanila at nagdulot siya ng napakalaking kahihiyan sa buong Israel.’” Kinabukasan, maagang bumangon si Josue at pinahanay ang buong Israel ayon sa kani-kanilang lipi, at napili ang lipi ni Juda. Tinawag ang lipi ni Juda at napili ang angkan ni Zera. Tinawag ang angkan ni Zera at napili ang sambahayan ni Zabdi. Tinawag ang sambahayan ni Zabdi at napili si Acan, na anak ni Karmi at apo ni Zabdi, na anak ni Zera. Kaya't sinabi ni Josue kay Acan, “Anak, nasa harapan ka ni Yahweh, ang Diyos ng Israel! Igalang mo ang kanyang pangalan. Magsabi ka ng totoo. Huwag kang magkakaila ng anuman! Ano ang ginawa mo?” Sumagot si Acan, “Totoo pong nagkasala ako kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. Sa mga bagay na nasamsam ko sa Jerico, may nakita akong isang mamahaling balabal na yari sa Babilonia, halos walong librang pilak, at isang baretang ginto na mahigit pang dalawang libra. Kinuha ko ang mga iyon at ibinaon sa lupa, sa loob ng aking tolda. Nasa kailaliman po ang pilak.” Nagsugo si Josue ng dalawang tao na patakbong pumunta sa tolda ni Acan. Nakabaon nga roon ang damit at nasa ilalim nito ang pilak. Iniharap nila kay Josue at sa buong Israel ang lahat ng iyon, at inilatag sa harapan ni Yahweh. Dinala ni Josue at ng buong bayan si Acan, gayundin ang pilak, ang damit, at ang barang ginto, sa Libis ng Kaguluhan. Isinama rin nila ang kanyang asawa, mga anak, mga baka, kabayo, at tupa, tolda at lahat niyang ari-arian. At sinabi ni Josue, “Bakit mo kami ipinahamak! Ikaw naman ngayon ang ipapahamak ni Yahweh.” At pinagbabato ng buong bayan si Acan at ang buo niyang sambahayan hanggang mamatay. Sinunog silang lahat kasama ng kanilang ari-arian. Pagkatapos, tinabunan nila ng mga bato. Naroon pa hanggang ngayon ang mga batong iyon. Nawala ang galit ni Yahweh. Mula noon, ang pook na iyo'y tinawag na Libis ng Kaguluhan. At sinabi ni Yahweh kay Josue, “Huwag kang matakot, lakasan mo ang iyong loob. Tipunin mo ang lahat mong mga kawal at salakayin ninyo ang lunsod ng Ai. Ibibigay ko sa inyo ang hari ng Ai, ang kanyang mga tauhan, lunsod at mga lupain. Gagawin ninyo sa Ai ang ginawa ninyo sa Jerico. Ngunit maaari ninyong kunin ang kanilang mga alagang hayop at mga ari-arian. Maghanda kayo at salakayin ninyo ang lunsod buhat sa likuran.” Inihanda nga ni Josue ang lahat niyang kawal upang salakayin ang Ai. Pumili siya ng tatlumpung libong magigiting na kawal, at kinagabiha'y pinalabas ng kampo. Ganito ang tagubilin niya sa kanila: “Magtago kayo sa dakong likuran ng lunsod, sa di kalayuan, at humanda kayong sumalakay sa anumang oras. Kami ng mga kasama ko ay sasalakay sa harapan. Kapag hinabol kami ng mga taga-lunsod, aatras kami gaya nang ginawa natin noong nakaraan. Aakalain nilang natakot kami tulad noong una, kaya hahabulin nila kami hanggang sa sila'y mapalayo sa lunsod. Lalabas naman kayo sa inyong pinagtataguan at papasukin ninyo ang lunsod. Ito'y ibibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. Kapag nasakop na ninyo ang lunsod, sunugin ninyo ito, gaya ng sinabi ni Yahweh. Tandaan ninyo ang mga tagubilin kong ito.” Pinalabas nga sila ni Josue, at sila'y nagtago sa dakong likuran ng Ai—sa pagitan nito at ng Bethel. Samantala, nanatili si Josue sa kampo kasama ng ibang tauhan ng Israel. Kinabukasan, maaga pa'y bumangon na si Josue at tinipon ang buong hukbo. Siya at ang mga pinuno ng Israel ang nanguna patungo sa Ai. Pumunta sila sa gawing bukana ng lunsod at nagtayo ng kampo sa harap niyon, sa gawing hilaga. Isang libis ang nasa pagitan nila at ng lunsod ng Ai. Nagbukod si Josue ng limanlibong mandirigma na pinakubli niya sa kanluran ng lunsod—sa pagitan nito at ng Bethel. Ganito ang hanay ng mga kawal sa simula ng labanan: ang pinakamalaking bahagi ay sa harapan sa dakong hilaga ng lunsod at ang mga nakakubling mandirigma, sa gawing kanluran naman. Sa libis na iyon nagpalipas ng gabi si Josue. Hindi nag-aksaya ng panahon ang hari at ang mga taga-Ai nang makita ang pangkat ni Josue. Lumabas sila ng lunsod at nilusob ang hukbo ng Israel sa Kapatagan ng Jordan, sa dating pinaglabanan nila. Wala silang malay na may sasalakay sa kanilang likuran. Si Josue naman at ang mga kasama niya'y nagkunwaring natatalo at umatras patungo sa ilang. Kaya't hinabol sila ng lahat ng kalalakihan ng Ai hanggang sa mapalayo sila sa lunsod. Lahat ng lalaki sa Ai at sa Bethel ay sumama sa paghabol sa mga Israelita at naiwang walang bantay ang lunsod. Noon sinabi ni Yahweh kay Josue, “Ituro mo sa Ai ang iyong sibat. Ito'y ibinibigay ko sa inyo ngayon.” Ganoon nga ang ginawa ni Josue. Pagkataas ng kanyang kamay, naglabasan ang mga tauhan niya sa kanilang pinagtataguan. Pinasok nila ang lunsod at sinunog iyon. Nang lumingon ang mga taga-Ai, nakita nilang abot sa langit ang usok na nagmumula sa lunsod. Hindi naman sila makasulong o makaurong; bigla silang hinarap ng mga Israelitang hinahabol nilang patungo sa ilang. Sapagkat nang makita ni Josue at ng mga Israelita na ang mga kasama nilang nakakubli'y pumasok na sa lunsod at ito'y nasusunog na, bumalik sila at pinagpapatay ang mga taga-Ai. Dumagsa rin buhat sa lunsod ang mga Israelitang pumasok doon, kaya't ganap na napalibutan ang mga taga-Ai. Namatay silang lahat, at walang nakaligtas o nakatakas ni isa man. Ang hari lang ang binihag nilang buháy at dinala kay Josue. Napatay nga ng mga Israelita ang lahat ng humabol sa kanila. Pagkatapos, bumalik sila sa lunsod at nilipol din ang lahat ng naiwan doon. Nang araw na iyon ay pinuksa nila ang lahat ng tao sa Ai, at may labindalawang libo ang namatay. Patuloy na itinuro ni Josue sa Ai ang kanyang sibat hanggang sa mapatay ang lahat ng tagaroon. Walang kinuha ang mga Israelita mula sa lunsod kundi ang mga baka at mga ari-arian, ayon sa sinabi ni Yahweh kay Josue. Sinunog ni Josue ang Ai at iniwang wasak tulad ng makikita hanggang sa ngayon. Ipinabitay niya ang hari sa isang punongkahoy, at pinabayaan doon ang bangkay hanggang sumapit ang dilim. Paglubog ng araw, ipinababa niya ang bangkay at ipinatapon sa may pintuan ng lunsod. Pinatabunan niya iyon ng malalaking bato na makikita pa roon magpahanggang ngayon. Nagtayo si Josue ng isang altar sa Bundok ng Ebal para kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. Mga batong hindi tinapyas ng paet ang ginamit niya sa altar ayon sa bilin ni Moises at nasasaad sa Kautusan. Sa ibabaw ng altar na iyon ay nag-alay sila kay Yahweh ng mga handog na sinusunog at mga handog na pinagsasaluhan. Sa lugar na iyon, sa harapan ng buong Israel, iniukit ni Josue sa mga bato ng altar ang kopya ng Kautusang isinulat ni Moises. Lahat ng Israelita, kasama ang mga matatanda, ang mga pinuno, at ang mga hukom, at pati ang mga dayuhang kasama nila, ay tumayo sa magkabilang panig ng Kaban ng Tipan ni Yahweh, paharap sa mga paring Levita na may dala niyon. Ang kalahati ng bayan ay tumayo sa tapat ng Bundok ng Gerizim, at ang kalahati'y sa tapat ng Bundok ng Ebal. Ganito ang utos ni Moises na gagawin nila pagsapit ng panahong tatanggapin na nila ang pagbabasbas. Sa sandaling iyo'y binasa ni Josue ang Kautusan, ang mga pagpapala at ang mga sumpa, ayon sa nasusulat sa aklat ng Kautusan. Isa-isang binasa ni Josue ang mga Kautusan sa lahat ng taong naroon, pati sa mga babae at mga bata, at sa mga dayuhang kasama nila. Ang mga tagumpay ng Israel ay nabalitaan ng lahat ng mga hari sa ibayo ng Jordan, sa kaburulan, sa kapatagan, at sa baybayin ng Dagat Mediteraneo hanggang sa Lebanon, sa dulong hilaga. Ang mga haring ito ng mga Heteo, ng mga Amoreo, ng mga Cananeo, ng mga Perezeo, ng mga Hivita, at ng mga Jebuseo ay nagsama-sama upang lusubin si Josue at ang bayang Israel. Ngunit nang mabalitaan ng mga taga-Gibeon ang ginawa ni Josue sa Jerico at sa Ai, umisip sila ng paraan upang malinlang si Josue. Nagdala sila ng pagkain at kinargahan nila ang kanilang mga asno ng mga lumang sako at mga sisidlang-balat na tagpi-tagpi. Nagsuot sila ng mga pudpod at butas-butas na sandalyas, at damit na gula-gulanit. Matigas na at amagin pa ang baon nilang tinapay. Pumunta sila kay Josue sa kampo ng Israel sa Gilgal. Ganito ang sabi nila kay Josue at sa kasama niyang mga pinuno ng Israel: “Kami po'y galing pa sa malayong lupain; nais po naming makipagkasundo sa inyo!” Ngunit sumagot ang mga pinuno ng Israel, “Baka kayo'y mga tagarito? Hindi kami maaaring makipagtipan sa inyo.” Nagmakaawa sila kay Josue, “Handa po kaming maglingkod sa inyo!” Tinanong sila ni Josue, “Sino ba kayo? Saan kayo galing?” At ganito ang kanilang salaysay: “Buhat po kami sa napakalayong lupain. Nagsadya po kami sa inyo sapagkat nabalitaan namin ang tungkol kay Yahweh, na inyong Diyos. Narinig po namin ang ginawa niya sa Egipto. Nalaman din po namin ang ginawa niya sa dalawang haring Amoreo sa silangan ng Jordan: kay Sihon na hari ng Hesbon at kay Og na hari ng Bashan, na nakatira sa Astarot. Kaya't isinugo po kami ng aming matatanda at mga kababayan. Nagdala po kami ng baon at naglakbay hanggang dito upang makipagkita sa inyo at paabutin sa inyo na kami'y handang maglingkod sa inyo! Marapatin po sana ninyong makipagkasundo sa amin. Tingnan po ninyo ang tinapay na baon namin. Mainit pa po iyan nang umalis kami sa amin. Ngunit ngayo'y matigas na at amagin. Bago pa rin ang mga sisidlang-balat na iyan nang aming lagyan. Tingnan po ninyo! Sira-sira at tagpi-tagpi na ngayon. Gula-gulanit na po itong aming kasuotan at pudpod na itong aming sandalyas dahil sa kalayuan ng aming nilakbay.” Tinikman ng mga pinuno ng Israel ang mga pagkain ngunit hindi man lamang sumangguni kay Yahweh. Kaya't nakipagkasundo sa kanila si Josue at nangako na hindi sila papatayin. Sumang-ayon din sa kasunduan ang mga pinuno ng Israel. Tatlong araw pagkatapos pagtibayin ang kasunduan, nalaman ng mga Israelita na hindi pala taga malayo ang mga taong iyon, kundi tagaroon din sa lupaing iyon. Kaya lumakad sila, at pagkatapos ng tatlong araw ay natagpuan nila ang mga tinitirhan ng mga taong iyon: ang mga lunsod ng Gibeon, Cefira, Beerot at Lunsod ng Jearim. Ngunit hindi magawang patayin ng mga Israelita ang mga taong iyon sapagkat ang mga pinuno ng Israel ay nanumpa sa kanila sa pangalan ni Yahweh. At nagreklamo ang buong bayan laban sa pangyayaring iyon. Kaya't nagpaliwanag ang mga pinuno, “Nakipagkasundo kami sa kanila sa ngalan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Hindi natin sila maaaring saktan. Kailangang igalang natin ang kanilang buhay; kung hindi, baka tayo parusahan ng Diyos dahil sa sumpang aming binitiwan sa kanila. Hayaan ninyo silang mabuhay. Gagawin natin silang tagapangahoy at taga-igib.” Ipinatawag naman ni Josue ang mga taga-Gibeon at kanyang sinabi, “Bakit ninyo kami nilinlang? Bakit ninyo sinabing kayo'y taga malayo, gayong tagarito pala kayo? Dahil sa ginawa ninyo, isinusumpa kayo ng Diyos. Buhat ngayon, magiging alipin namin kayo, tagapangahoy at taga-igib sa bahay ng aking Diyos.” Sumagot sila, “Ginawa po namin iyon sapagkat napatunayan namin na talagang iniutos ni Yahweh, na inyong Diyos, sa lingkod niyang si Moises na ipamahagi sa inyo ang mga lupaing ito at lipulin ang lahat ng taong nakatira dito. At ngayong kayo nga'y dumating na, natatakot po kaming baka kami'y lipulin ninyo. Kami po'y nasa ilalim ng inyong kapangyarihan ngayon. Gawin po ninyo sa amin ang inyong mamarapatin.” Kaya't ipinagtanggol ni Josue ang mga taong iyon at hindi pinabayaang patayin ng mga Israelita. Subalit sila'y ginawa niyang mga alipin, tagapangahoy at taga-igib sa altar ni Yahweh. Nananatili sila sa kalagayang iyon hanggang ngayon, at naglilingkod sa altar ni Yahweh saanman sila kailanganin. Nabalitaan ni Adonizedec, hari ng Jerusalem, na sinakop at tinupok ni Josue ang lunsod ng Ai. Nabalitaan din niya ang ginawa ni Josue sa hari at mga mamamayan ng Ai, at ang ginawa niya sa hari ng Jerico at sa mga tagaroon. Nalaman din niya na ang mga taga-Gibeon ay nakipagkasundo at naninirahang kasama ng mga Israelita. Labis itong ikinabahala ng mga taga-Jerusalem, sapagkat ang Gibeon ay kasinlaki ng mga lunsod na may sariling hari, higit na malaki kaysa Ai, at magigiting ang mga mandirigma nito. Kaya nagpadala ng mensahe si Adonizedec kay Hoham, hari ng Hebron; kay Piream, hari ng Jarmut; kay Jafia, hari ng Laquis; at kay Debir, hari ng Eglon. Ganito ang kanyang ipinasabi: “Kailangan namin ang inyong tulong. Kailangang salakayin natin ang Gibeon sapagkat ang mga tagaroon ay nakipagkasundo kay Josue at sa mga Israelita.” Nagkaisa nga ang limang haring Amoreo; ang mga hari ng Jerusalem, ng Hebron, ng Jarmut, ng Laquis at ng Eglon, at pinaligiran nila at sinalakay ang Gibeon. Nagpasabi naman kay Josue sa kampo ng Gilgal ang mga taga-Gibeon, “Huwag po ninyong pabayaan itong inyong mga abang alipin! Pumarito po kayong madali upang kami'y saklolohan. Iligtas ninyo kami! Pinagtutulung-tulungan po kami ng lahat ng mga haring Amoreong naninirahan sa kaburulan.” Kaya nga't dumating si Josue buhat sa Gilgal, kasama ang kanyang buong hukbo pati ang magigiting niyang mandirigma. Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Huwag kang matakot sa kanila. Ibinigay ko na sila sa iyong mga kamay. Wala ni isa man sa kanilang makakatalo sa inyo.” Magdamag na naglakbay si Josue at ang kanyang hukbo buhat sa Gilgal at bigla nilang sinalakay ang mga Amoreo. Niloob ni Yahweh na magulo ang mga ito dahil sa takot nang makita ang hukbo ng Israel. Nilipol sila ng mga Israelita sa Gibeon; hinabol sila sa paglusong ng Beth-horon hanggang sa Azeka at sa Makeda. Samantalang tumatakas sila sa paghabol ng mga Israelita, pinaulanan sila ni Yahweh ng malalaking tipak ng yelo buhat sa langit; umabot ito hanggang sa Azeka at napakaraming namatay. Mas marami pa ang namatay sa pagbagsak ng yelo kaysa tabak ng mga Israelita. Noong araw na ang mga Israelita'y pinagtagumpay ni Yahweh laban sa mga Amoreo, nakipag-usap si Josue kay Yahweh. Ito ang sinabi niya na naririnig ng buong bayan: “Huminto ka, Araw, sa tapat ng Gibeon, at ikaw rin, Buwan, sa Libis ng Ayalon.” Tumigil nga ang araw at hindi gumalaw ang buwan hanggang sa matalo ng mga Israelita ang kanilang mga kaaway. Hindi ba't nasusulat ito sa Aklat ni Jasher? Tumigil ang araw sa gitna ng langit at hindi lumubog sa buong maghapon. Kailanma'y hindi pa nangyari at hindi na muling mangyayari na si Yahweh ay sumunod sa isang tao at nakipaglaban sa panig ng Israel. Pagkatapos nito, si Josue at ang mga tauhan niya ay bumalik sa Gilgal. Nakatakas ang limang hari at nagtago sa yungib ng Makeda. Ngunit may nakaalam na doon sila nagtago, at ito'y ipinasabi kay Josue. Kaya't iniutos ni Josue, “Takpan ninyo ng malalaking bato ang bunganga ng yungib at inyong pabantayan iyon. Ngunit huwag kayong titigil doon. Habulin ninyo ang kaaway, unahan sila at harangin upang huwag makapasok sa kani-kanilang lunsod. Inilagay na sila ni Yahweh sa inyong kapangyarihan.” At sila nga'y pinuksa ni Josue at ng kanyang mga kawal kahit may ilang nakatakbo at nakapasok sa mga napapaderang lunsod. At bumalik na sa kampo sa Makeda ang lahat ng mga kawal ni Josue. Buhat noon, wala nang nangahas magsalita laban sa mga Israelita. Iniutos ni Josue sa kanyang mga tauhan, “Alisin ninyo ang nakatakip na bato sa bunganga ng yungib, ilabas ninyo ang limang haring iyon at iharap sa akin.” Ganoon nga ang ginawa nila. Inilabas sa yungib ang mga hari ng Jerusalem, ng Hebron, ng Jarmut, ng Laquis at ng Eglon. Nang nasa harapan na ni Josue ang limang hari, tinipon niya ang kanyang mga mandirigma at iniutos sa mga pinuno, “Halikayo! Tapakan ninyo sa leeg ang mga haring ito.” At ganoon nga ang ginawa nila. Pagkatapos, sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong matatakot o panghihinaan ng loob. Ganito ang gagawin ni Yahweh sa lahat ng inyong mga kaaway.” Ang limang hari ay ipinapatay ni Josue at maghapong ibinitin sa limang punongkahoy. Nang palubog na ang araw, iniutos ni Josue na ibaba sila sa pagkakabitin at ipinatapon sa yungib na pinagtaguan nila. Ang bunganga ng yungib ay pinatakpan ng malalaking bato na naroroon pa magpahanggang ngayon. Nang araw ding iyon, nasakop ni Josue ang Makeda at pinatay ang hari roon. Nilipol din niya ang buong bayan at wala siyang itinirang buháy isa man. Ginawa niya sa hari ng Makeda ang ginawa niya sa hari ng Jerico. Buhat sa Makeda, sinalakay naman ni Josue at ng mga Israelita ang Libna. Ibinigay rin ni Yahweh sa kanilang kapangyarihan ang hari at ang lahat ng mamamayan doon. Pinatay nilang lahat ang mga tagaroon, at walang itinira isa man. Ginawa ni Josue sa hari ng Libna ang ginawa niya sa hari ng Jerico. Pagkatapos nito, kinubkob naman at sinalakay ni Josue at ng mga Israelita ang Laquis. Sa ikalawang araw ng labanan, muli silang pinagtagumpay ni Yahweh. Nilipol din nila ang lahat ng tagaroon tulad ng ginawa nila sa Libna. Si Horam, na hari ng Gezer, ay sumaklolo sa mga taga-Laquis. Ngunit tinalo rin sila ni Josue at walang itinirang buháy sa kanyang mga tauhan. Buhat sa Laquis, kinubkob at sinalakay ni Josue at ng mga Israelita ang Eglon. Sa araw ring iyon, nasakop nila ang Eglon at pinatay ang lahat ng tagaroon, tulad ng ginawa nila sa Laquis. Pagkatapos nito, si Josue at ang buong hukbo ng Israel ay umakyat sa mga bulubundukin at sinalakay nila ang Hebron. Nasakop nila ang lunsod at pinatay ang lahat ng tagaroon, buhat sa hari hanggang sa kahuli-hulihang mamamayan. Gayundin ang ginawa nila sa mga karatig-bayan ng Hebron. Sinunog nila ang lunsod at walang iniwang buháy, gaya nang ginawa nila sa Eglon. Hinarap naman ni Josue at ng buong hukbo ng Israel ang Debir. Sinakop nila ang lunsod at ang mga karatig-bayan nito. Pinatay nila ang hari at nilipol ang lahat ng mamamayan. Ginawa rin nila sa Debir ang ginawa nila sa Hebron, sa Libna, at sa kanilang mga hari. Sinakop nga ni Josue ang buong lupain: ang kaburulan sa silangan, ang mga nasa paanan ng mga bundok sa kanluran, pati ang mga lupain sa katimugan. Natalo nila ang mga hari sa mga lugar na ito at nilipol ang lahat ng naninirahan doon, at walang itinirang buháy ayon sa ipinag-utos ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Sinakop ni Josue ang lahat ng lupain buhat sa Kades-barnea hanggang sa Gaza, pati ang nasasakupan ng Goshen hanggang sa Gibeon sa dakong hilaga. Sinakop niya ang lahat ng mga lupain at mga kahariang ito sa loob lamang ng isang tuluy-tuloy na pananalakay sapagkat si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ay kasama ng mga Israelita sa kanilang pakikipaglaban. Pagkatapos, bumalik si Josue at ang buong hukbo ng Israel sa kampo ng Gilgal. Nang mabalitaan ni Jabin, hari ng Hazor, ang ganitong mga pangyayari, nagpasabi siya kay Jobab, hari ng Madon, at sa mga hari ng Simron at Acsaf. Pinabalitaan din niya ang mga hari sa kaburulan sa dakong hilaga, sa Kapatagan ng Jordan, sa timog ng lawa ng Cineret at sa kapatagan hanggang sa baybayin ng Dor sa gawing kanluran. Nagpasabi rin siya sa mga Cananeo sa magkabilang panig ng Ilog Jordan, sa mga Amoreo, Heteo at Perezeo. Nagpadala rin siya ng mensahe sa mga Jebuseo na naninirahan sa kaburulan, at sa mga Hivita na naninirahan sa paanan ng Bundok Hermon, sa lupain ng Mizpa. Dumating lahat ang mga haring iyon, kasama ang kanilang mga sandatahang lakas. Halos sindami ng buhangin sa tabing-dagat ang bilang ng kanilang hukbo. Napakarami rin ng kanilang mga kabayo at mga karwaheng pandigma. Nagkaisa ang mga haring iyon na pag-isahin ang kanilang mga pwersa at sama-sama silang nagkampo sa may batisan ng Merom upang salakayin ang Israel. Ngunit sinabi ni Yahweh kay Josue, “Huwag kang matakot sa kanila. Asahan mo, bukas sa ganito ring oras, lilipulin ko silang lahat para sa Israel. Lalagutan ninyo ng litid upang mapilay ang kanilang mga kabayo at susunugin ang kanilang mga karwahe.” Kaya't sila'y biglang sinalakay ni Josue at ng kanyang mga kawal sa may batis ng Merom. Pinagtagumpay ni Yahweh ang mga Israelita. Hinabol nila ang mga kaaway hanggang sa Dakilang Sidon at sa Misrefot-mayim sa gawing hilaga, at hanggang sa Libis ng Mizpa sa gawing silangan. Nagpatuloy ang labanan hanggang walang natirang buháy sa mga kaaway. Ginawa sa kanila ni Josue ang utos ni Yahweh, pinilayan niya ang mga kabayo at sinunog ang kanilang mga karwahe. Pagkatapos, bumalik si Josue, sinakop ang Hazor at pinatay ang hari roon. Nang panahong iyon, ang Hazor ang kinikilalang pinakamakapangyarihang lunsod sa mga kahariang iyon. Sinunog ng mga Israelita ang lunsod at pinatay ang lahat ng tagaroon—walang itinira ni isa man. Natalo ni Josue ang lahat ng mga haring iyon at sinakop ang kanilang mga lunsod. Pinatay niyang lahat ang mga tao roon, gaya ng iniutos ni Moises na lingkod ni Yahweh. Maliban sa Hazor na sinunog ni Josue, hindi sinunog ng mga Israelita ang mga lunsod na nasa burol. Sinamsam ng mga Israelita ang kanilang mahahalagang kagamitan at mga baka. Ngunit pinatay nila ang mga tao roon at walang itinirang buháy. Ito ang utos na ibinigay ni Yahweh kay Moises, at ibinigay naman ni Moises kay Josue. Tinupad ni Josue ang lahat ng iniutos ni Yahweh kay Moises. Sinakop nga ni Josue ang buong lupaing iyon: ang kaburulan at ang mga nasa paanan ng bundok na nasa hilaga at timog, ang buong saklaw ng Goshen, at ang tuyong bahagi sa katimugan nito, pati ang Kapatagan ng Jordan. Buhat sa Bundok Halac paahon sa Seir hanggang sa Baal-gad sa Kapatagan ng Lebanon, sa may paanan ng Bundok Hermon, ay nasakop lahat ni Josue at pinatay ang kanilang mga hari. Matagal ding dinigma ni Josue ang mga bansang ito. Walang nakipagkasundo sa Israel kundi ang mga Hivita na naninirahan sa Gibeon. Ipinahintulot ni Yahweh na mahigpit silang makipaglaban sa mga Israelita, upang walang awa silang lipuling lahat at matupok ang kanilang mga lunsod, ayon sa sinabi ni Yahweh kay Moises. Nang panahon ding iyon, sinalakay ni Josue ang lahi ng mga higante na tinatawag na mga Anaceo sa kaburulan ng Hebron, Debir, Anab, at sa lahat ng kaburulan ng Juda at Israel. Sila'y nilipol niya, kaya't walang natirang Anaceo sa lupain ng Israel. Sa Gaza, sa Gat at sa Asdod lamang may natirang ilan. Sinakop nga ni Josue ang buong lupaing iyon, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Moises, at ipinamahagi sa bawat lipi ng Israel, upang paghati-hatian ng lahat ng bumubuo ng bawat lipi. Pagkatapos nito, namuhay na nang mapayapa ang mga Israelita sa lupaing iyon. Nasakop ng mga Israelita ang lupain sa silangan ng Ilog Jordan, buhat sa Ilog Arnon hanggang sa Bundok ng Hermon, at nalupig nila ang mga hari roon. Ang una'y si Sihon, ang hari ng mga Amoreo, na nanirahan sa Hesbon. Sakop niya buhat sa bayan ng Aroer sa Ilog Arnon, pati ang kalahati ng libis nito, hanggang sa Batis ng Jabok sa may hangganan ng mga Ammonita. Samakatuwid, sakop niya ang kalahati ng Gilead, gayundin ang Araba sa gawing silangan ng Jordan, buhat sa gilid ng Lawa ng Cineret patungo sa Beth-jesimot sa gawing silangan, hanggang sa Dagat na Patay tuloy sa paanan ng Bundok ng Pisga papuntang timog. Nalupig din nila si Haring Og ng Bashan, isa sa ilang natira sa lahi ng mga higante. Nanirahan ang haring ito sa Astarot at sa Edrei. Sakop niya ang kabundukan ng Hermon, ang Saleca, ang buong Bashan hanggang sa lupain ng mga Gesureo at mga Maacateo. Kasama pa rin ng nasasakupan niya ang kalahati ng Gilead, karatig ng lupain ni Sihon na hari ng Hesbon. Ang dalawang ito'y nilupig ng mga Israelita, sa pamumuno ni Moises. Ibinigay ni Moises na lingkod ni Yahweh ang mga lupain nila sa lipi ni Ruben, ni Gad at sa kalahati ng lipi ni Manases. Sa pamumuno ni Josue, tinalo ng mga Israelita ang mga hari sa kanluran ng Ilog Jordan: buhat sa Baal-gad, sa kapatagan ng Lebanon hanggang sa Bundok ng Halac, sa pag-ahon ng Bundok Seir. Ang kanilang mga lupai'y pinaghati-hati ni Josue sa mga lipi ng Israel upang maging pag-aari ng mga ito habang panahon. Saklaw ng mga lupaing iyon ang kaburulan, ang mga kapatagan, ang Araba, ang paanan ng mga bundok, ang ilang, at ang Negeb. Doon naninirahan ang mga Heteo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Hivita at Jebuseo. Ito ang mga haring tinalo ng Israel sa pamumuno ni Josue: ang mga hari ng Jerico at ng Ai na malapit sa Bethel; ang mga hari ng Jerusalem at Hebron; ng Jarmut at ng Laquis; ng Eglon at ng Gezer; ng Debir at ng Geder; ng Horma at ng Arad; ng Libna at ng Adullam; ng Maceda at ng Bethel; ng Tapua at ng Hefer; ng Afec at ng Lasaron; ng Madon at ng Hazor; ng Simron-meron at ng Acsaf; ng Taanac at ng Megido; ng Kades at ng Jokneam sa Carmelo; ng Dor sa baybayin ng Dor, ang hari ng mga Goyim sa Galilea, at ang hari ng Tirza. Lahat-lahat ay tatlumpu't isang hari. Matandang-matanda na noon si Josue. Sinabi sa kanya ni Yahweh: “Matandang-matanda ka na ngunit malaki pang bahagi ng lupaing ito ang kailangan pang sakupin. Ito ang mga hindi pa ninyo nasasakop: ang lupain ng mga Filisteo at ang lupain ng mga Gesureo; buhat sa batis ng Sihor sa tabing silangan ng Egipto hanggang sa Ekron ay itinuturing na lupain din ng mga Cananeo kahit ito'y sakop ng mga haring Filisteo na nakatira sa Gaza, sa Asdod, sa Ashkelon, sa Gat, at sa Ekron; ang lupain ng mga Aveo sa dakong timog, at ang lupain ng mga Cananeo, buhat sa Mehara na tinitirhan ng mga taga-Sidon hanggang sa Afec, sa may hangganan ng mga Amoreo; ang lupain ng mga Gebalita at ang buong silangan ng Lebanon, buhat sa Baal-gad sa paanan ng Bundok ng Hermon hanggang sa pagpasok ng Hamat. Kasama rin dito ang lupain ng mga taga-Sidon na naninirahan sa kaburulan ng Lebanon hanggang sa Misrefot-mayim. Pagdating ninyo roon, palalayasin kong lahat ang mga naninirahan doon. Hatiin mo sa mga Israelita ang mga lupaing ito, ayon sa sinabi ko sa iyo. Ipamahagi mo ngayon ang lupaing ito sa siyam na lipi at sa kalahati ng lipi ni Manases.” Ang mga lipi nina Ruben, Gad at ang kalahati ng lipi ni Manases ay binigyan na ni Moises ng kanilang lupain sa gawing silangan ng Jordan. Ang saklaw nila'y mula sa Aroer, na nasa tabi ng Kapatagan ng Arnon, at mula sa bayang nasa gitna ng libis patungo sa hilaga, kasama ang mga mataas na kapatagan ng Medeba hanggang sa Dibon. Saklaw rin ang lahat ng lunsod na sakop ni Haring Sihon ng mga Amoreo, na nakatira sa Hesbon, tuloy sa hangganan ng Ammon. Sakop pa rin ang Gilead, ang lupain ng mga Gesureo at mga Maacateo; ang kabundukan ng Hermon at ang buong Bashan hanggang Saleca. Sakop din ang kaharian ni Og na hari ng Astarot at Edrei. (Ang haring ito ang kaisa-isang nalabi sa lahi ng mga higante na tinalo ni Moises at pinalayas sa lupaing iyon.) Ngunit hindi pinaalis ng mga Israelita ang mga Gesureo at mga Maacateo. Naninirahan pa ang mga ito sa Israel hanggang ngayon. Ang lipi ni Levi ay hindi binigyan ni Moises ng bahagi sa lupain. Sa halip, ang tatanggapin nila'y ang bahaging kukunin sa mga handog ng sambayanan para kay Yahweh, ang Diyos ng Israel, ayon sa sinabi niya kay Moises. Binigyan na ni Moises ng kani-kanilang bahagi sa lupain ang lipi ni Ruben, ayon sa kani-kanilang angkan. Sakop nila ang lunsod ng Aroer na nasa gilid ng Ilog Arnon, at ang bayang nasa gitna ng libis, at ang mataas na kapatagan sa palibot ng Medeba. Sakop din nila ang Hesbon at ang lahat ng lunsod sa mataas na kapatagan: ang Dibon, Bamot-baal, Beth-baal-meon, Jahaz, Kedemot, Mefaat, Kiryataim, at Sibma. Kasama pa rin ang lunsod ng Zaret-sahar na nasa burol sa gitna ng libis, ang lunsod ng Beth-peor, ang mga libis ng Pisgah, at ang Beth-jesimot; ang lahat ng lunsod sa mataas na kapatagan at ang lahat ng bayang saklaw ni Haring Sihon na hari ng Hesbon. Tinalo siya ni Moises pati ang mga hari ng Midian na sina Evi, Requem, Zur, Hur at Reba. Ang mga haring ito ay sakop ni Haring Sihon at nanirahan sa lupaing iyon. Kabilang din sa mga pinatay roon ng mga Israelita ang manghuhulang si Balaam na anak ni Beor. Ang Ilog Jordan ang hangganan ng lupaing napunta sa lipi ni Ruben, ayon sa kani-kanilang angkan. Ito ang mga lunsod at mga bayang napunta sa kanilang mga angkan at sambahayan. Binigyan na rin ni Moises ng kani-kanilang bahagi sa lupain ang bawat angkan sa lipi ni Gad. Napunta sa kanila ang Jazer, ang buong Gilead, at ang kalahati ng lupain ng mga Ammonita hanggang sa Aroer na katapat ng Rabba. Sakop nila ang mga lupain buhat sa Hesbon hanggang Ramot-mizpa at Bethonim, at buhat sa Mahanaim hanggang sa mga nasasakupan ng Lo-debar. Sa Kapatagan naman ng Jordan ang sakop nila'y ang mga lunsod ng Beth-haram, Beth-nimra, Sucot, Zafon at ang nalalabi sa kaharian ni Sihon na hari ng Hesbon. Saklaw nga nila ang buong lupain sa gawing silangan buhat sa Ilog Jordan, at tuloy sa Lawa ng Galilea sa gawing hilaga. Ito ang mga lunsod at bayang ibinigay sa mga angkan ng lipi ni Gad. Binigyan na rin ni Moises ng bahagi sa lupain ang mga angkan ng kalahati ng lipi ni Manases. Sakop nila ang Mahanaim at ang buong teritoryo ni Haring Og sa lupain ng Bashan. Kasama rin ng lupain nila ang animnapung bayan ng Bashan na sakop ng Jair. Sakop rin nila ang kalahati ng Gilead at ang mga lunsod ng Astarot at Edrei sa kaharian ni Og sa Bashan. Ito ang mga lupaing ibinigay sa mga angkang bumubuo ng kalahati ng angkan ni Maquir na anak ni Manases. Ganito ipinamahagi ni Moises ang mga lupain sa silangan ng Jerico at ng Ilog Jordan noong sila'y nasa kapatagan ng Moab. Ngunit hindi niya binigyan ng lupa ang lipi ni Levi sapagkat ang bahagi nila ay si Yahweh, ang Diyos ng Israel. Ang mga lipi ng Israel ay nakatanggap ng lupang pamana nang masakop nila ang Canaan. Ang paring si Eleazar at si Josue na anak ni Nun, katulong ang mga pinuno ng angkan ng bawat lipi, ang naghati ng lupain ng Canaan para sa mga Israelita. Ang paghahati ay isinagawa sa pamamagitan ng palabunutan, ayon sa utos ni Yahweh kay Moises. Siyam at kalahating lipi na lamang ang binigyan nila ng kani-kanilang bahagi sa lupain. Ang dalawang lipi at kalahati'y nabigyan na ni Moises ng kanilang bahagi sa silangan ng Jordan. Hindi rin kabilang sa siyam na lipi at kalahati ang mga Levita. Hindi sila binigyan ng lupain. Sa halip, binigyan sila ng mga lunsod na matitirhan at mga kaparangan sa paligid para sa kanilang mga bakahan at mga kawan. Sa kabilang dako, ang mga nagmula sa lahi ni Jose ay pinagdalawang lipi: ang lipi ni Manases at ang lipi ni Efraim. Pinaghati-hatian nga ng mga Israelita ang lupaing iyon ayon sa utos ni Yahweh kay Moises. Lumapit noon kay Josue sa Gilgal ang ilan sa lipi ni Juda. Isa sa kanila si Caleb na anak ni Jefune, na mula sa angkan ng Cenizeo. Sinabi nito kay Josue, “Alam mo ang sinabi ni Yahweh kay Moises na kanyang lingkod tungkol sa ating dalawa nang tayo'y nasa Kades-barnea. Apatnapung taon pa lamang ako noon. Isinugo niya tayo buhat sa Kades-barnea upang lihim na manmanan ang lupaing ito, at iniulat ko sa kanya ang buong katotohanan. Kahit na ang bayan ay tinakot ng ibang kasama natin, buong katapatan pa rin akong sumunod kay Yahweh na ating Diyos. Kaya't ipinangako sa akin noon ni Moises na dahil sa aking buong katapatan sa pagsunod kay Yahweh, magiging bahagi ko at ng aking mga anak ang lupang matapakan ng aking mga paa. Apatnapu't limang taon na ang lumipas buhat nang sabihin ito ni Yahweh kay Moises. Noo'y naglalakbay pa sa disyerto ang bayang Israel. Iningatan ni Yahweh ang buhay ko hanggang ngayon. Walumpu't limang taon na ako ngayon ngunit hindi pa nagbabago ang lakas ko mula nang ako'y isugo ni Moises upang siyasatin ang lupaing ito. Kaya ko pang makipaglaban at gawin ang kahit anong trabaho. Kaya ibigay mo na sa akin ang kaburulang ipinangako sa akin ni Yahweh. Narinig mo rin na mga higante ang nakatira doon at matitibay ang pader ng naglalakihan nilang lunsod. Ngunit sa tulong ni Yahweh ay palalayasin ko sila sa lupaing iyon gaya ng ipinangako niya.” Binasbasan nga ni Josue si Caleb na anak ni Jefune, at ibinigay sa kanya ang Hebron. Ang lupain ng Hebron ay nananatili hanggang ngayon sa angkan ni Caleb na anak ni Jefune, na isang Cenizeo, sapagkat buong katapatan siyang sumunod kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. Noong una'y Lunsod ng Arba ang pangalan ng Hebron, bilang alaala kay Arba, ang pinakadakila sa mga Anaceo. At nagkaroon nga ng kapayapaan sa buong lupain. Ang lupaing napapunta sa lipi ni Juda ay mula sa dulo ng Edom at hanggang sa ilang ng Zin sa kaduluhan sa gawing timog. Ito ang pinaghati-hatian ng mga angkang bumubuo ng lipi. Nagmula ang hangganan ng lupaing ito sa timog ng Dagat na Patay, nagtuloy sa Landas ng Acrabim, at lumampas patungo sa ilang ng Zin. Buhat doo'y umahon sa Kades-barnea, nagdaan ng Hezron, nagtuloy sa Adar at lumikong patungo sa Carca. Matapos tahakin ang Asmona, tinunton ang batis ng Egipto at nagtapos sa Dagat Mediteraneo. Ito ang hangganan ng Juda sa timog. Sa gawing silangan ang hangganan ng lupaing ito'y ang Dagat na Patay hanggang sa bunganga ng Jordan. Dito naman nagsimula ang hangganang hilaga. Umahon ito sa balikat ng Beth-hogla, dumaan sa hilaga ng Beth-araba at nagtuloy sa Bato ni Bohan, na anak ni Ruben. Buhat sa Libis ng Kaguluhan, umahon sa Debir at nagtuloy sa hilaga. Lumiko ito patungong Gilgal na nasa tapat ng Pag-ahon sa Adumim sa timog ng libis, tumawid ng batis ng En-shemes at nagtuloy sa Batis ng En-rogel. Buhat dito'y paahong tinahak ang Libis ng Ben Hinom na nasa timog ng burol ng mga Jebuseo (na tinatawag ding Jerusalem). Umahon uli patungo sa taluktok ng bundok na nasa tapat ng kanluran ng Libis ng Ben Hinom at sa dulong hilaga ng Libis ng Refaim. Buhat sa taluktok ng bundok ay lumikong patungo sa Batis ng Neftoa, at lumabas sa mga lunsod sa Bundok ng Efron, at bumaling na papuntang Baala (na tinatawag ding Lunsod ng Jearim). Umikot sa kanluran ng Baala patungo sa Bundok ng Seir, nagdaan sa libis na hilaga ng Bundok Jearim (na tinatawag ding Kesalon), lumusong na patungong Beth-semes, at nagtuloy sa Timna. Buhat naman dito, umahon sa libis ng Bundok sa hilaga ng Ekron at bumaling na papuntang Sicron. Tinahak ang Bundok ng Baala, lumabas sa Jabneel, at nagtapos sa Dagat Mediteraneo na siyang naging hangganan sa kanluran. Ito ang mga hangganan ng lupaing napapunta sa lipi ni Juda na pinaghati-hatian ng mga angkang bumubuo ng lipi. Gaya ng sinabi ni Yahweh kay Josue, isang bahagi ng lupaing kaparte ng lipi ni Juda ay ibinigay kay Caleb na anak ni Jefune. Ibinigay sa kanya ang Hebron, ang lunsod na dating sakop ni Arba na ama ni Anac. Pinalayas ni Caleb sa lupaing iyon ang tatlong anak na lalaki ni Anac: sina Sesai, Ahiman at Talmai. Pagkatapos, nilusob niya ang Debir, na noong una'y tinatawag na Lunsod ng Sefer. At sinabi ni Caleb, “Ipakakasal ko ang anak kong si Acsa sa sinumang sumalakay at sumakop sa Lunsod ng Sefer.” Si Otniel na anak ni Kenaz na kapatid ni Caleb ang nakagawa niyon, kaya't si Acsa'y ipinakasal ni Caleb kay Otniel. Nang makasal na ang dalawa, sinabi ni Otniel sa asawa na humingi ng isang bukirin kay Caleb na kanyang ama. Pumunta nga si Acsa kay Caleb, at pagkababa sa asnong sinasakyan, tinanong siya ni Caleb, “Anong kailangan mo?” Sumagot si Acsa, “Bigyan mo po ako ng makukunan ng tubig, sapagkat lupang tigang ang ibinigay mo sa akin.” Kaya't ibinigay sa kanya ni Caleb ang mga bukal sa gawing itaas at sa gawing ibaba. Ito ang mga lupaing napapunta sa lipi ni Juda, at pinaghati-hatian ng mga angkang bumubuo ng lipi. Ang mga lunsod na nasa kadulu-duluhang timog, sa may hangganan ng Edom ay ang Cabzeel, Eder at Jagur; Cina, Dimona at Adada; Kades, Hazor at Itnan; Zif, Telem at Bealot; Hazor-hadata, Kiryot-hesron (na tinatawag ding Hazor); Amam, Shema at Molada; Hazar-gada, Hesmon at Beth-pelet; Hazar-shual, Beer-seba at Bizotia; Baala, Iyim at Ezem; Eltolad, Cesil at Horma; Ziklag, Madmana at Sansana; Lebaot, Silhim, Ayin at Rimon; dalawampu't siyam na lunsod, kasama ang mga nayon sa palibot. Ang mga lunsod sa kapatagan ay ang sumusunod: Estaol, Zora at Asena; Zanoa, En-ganim, Tapua at Enam; Jarmut, Adullam, Soco at Azeka; Saaraim, Aditaim, Gedera at Gederotaim. Lahat-lahat ay labing-apat na lunsod pati ang mga nayong nasa paligid. Kasama rin ang mga sumusunod: Zenan, Hadasa at Migdal-gad; Dilan, Mizpa at Jokteel; Laquis, Bozcat at Eglon; Cabon, Lamam at Kitlis; Gederot, Beth-dagon, Naama at Makeda; labing-anim na lunsod, kasama ang mga nayong nasa paligid. Kabilang din ang Libna, Eter at Asan; Jefte, Asena at Nezib; Keila, Aczib at Maresa—siyam na lunsod at ang mga nayon sa palibot. Gayon din ang lunsod ng Ekron at ang mga bayan at nayon sa paligid; ang lahat ng mga lunsod sa malapit sa Asdod buhat sa Ekron hanggang sa Dagat Mediteraneo. Kasama rin ang mga lunsod ng Asdod at Gaza, at ang mga bayan at nayong sakop nila, hanggang sa batis ng Egipto at baybayin ng Dagat Mediteraneo. Sa kaburulan naman ay ang mga lunsod ng Samir, Jatir, Soco; Dana, Kiryat Sanna (na tinatawag ding Debir), Anab, Estemoa at Anim; Goshen, Holon at Gilo—labing-isang lunsod, kasama pati ang kanilang mga nayon. Gayon din ang Arab, Duma at Eshan, Janim, Beth-tapua at Afeca; Humta, Lunsod ng Arba o Hebron at Sior—siyam na lunsod kasama ang mga nayon sa paligid. Kabilang pa rin ang Maon, Carmelo, Zif at Juta; Jezreel, Jocdeam at Zanoa, Cain, Gabaa at Timna—sampung lunsod at ang mga nayon sa paligid. Halhul, Beth-sur at Gedor, Meara, Beth-anot at Eltecon—anim na lunsod, kasama ang kanilang mga nayon. Kasama rin ang lunsod ng Baal (o Lunsod ng Jearim), at ang Rabba—dalawang lunsod kasama ang kanilang mga nayon. Sa ilang naman, ang Beth-araba, Midin at Secaca; Nibsan, ang Lunsod ng Asin at En-gedi—anim na lunsod, kasama pati ang mga nayon sa paligid nila. Ngunit hindi napaalis ng lipi ni Juda ang mga Jebuseo na naninirahan sa Jerusalem, kaya hanggang ngayo'y kasama nilang naninirahan doon ang mga ito. Ang lupaing napapunta sa angkan ni Jose ay nagsisimula sa Jordan sa tapat ng Jerico—sa silangan ng batis ng Jerico; papunta sa ilang, at umahon sa kaburulan hanggang sa Bethel; buhat sa Bethel ay nagtuloy sa Luz at nilakbay ang Atarot na lupain ng mga Arkita; bumabâ pakanluran sa lupain ng mga Jaflatita, nagdaan sa hangganan ng Timog Beth-horon, tumuloy ng Gezer, at nagwakas sa Dagat Mediteraneo. Ito ang lupaing napapunta sa angkan ni Jose, sa mga lipi ni Efraim at Manases. Ang hangganang silangan ng lupaing napunta sa lipi ni Efraim ay ang Atarot-adar, hanggang sa Hilagang Beth-horon. Buhat doon ay naglakbay sa timog ng Micmetat, at nagtungo sa Dagat Mediteraneo. Sa gawing silanga'y lumikong patungo sa Taanat-silo, at buhat doo'y nagtuloy sa may silangan ng Janoa. Lumampas ng Janoa at bumabâ sa Atarot at Naara, nagdaan sa tabi ng Jerico at nagtapos sa Jordan. Pumakanluran buhat sa Tapua, namaybay ng batis ng Cana, at nagtapos sa Dagat Mediteraneo. Ito ang lupaing napapunta sa lipi ni Efraim, bukod sa mga bayan at nayong ibinigay sa kanila sa nasasakupan ng lupain ng lipi ni Manases. Hindi na nila pinaalis ang mga Cananeong nakatira sa Gezer, kaya may mga Cananeong naninirahan sa Efraim hanggang ngayon. Subalit sapilitang pinagtrabaho ang mga ito bilang mga alipin. Isang bahagi ng lupain ang ibinigay sa lipi ni Manases, sapagkat siya'y panganay ni Jose. Ibinigay ang Gilead at Bashan kay Maquir na ama ni Gilead, anak na panganay ni Manases, sapagkat siya'y isang mandirigma. Binigyan din ng kani-kanilang bahagi sa lupain ang mga angkan nina Abiezer, Helec, Asriel, Shekem, Hefer at Semida. Sila ang mga anak na lalaki ni Manases, at mga pinuno ng kani-kanilang angkan. Ngunit si Zelofehad na anak ni Hefer at apo ni Gilead na anak naman ni Maquir at apo ni Manases, ay walang anak na lalaki. Babae lahat ang anak niya, at ang pangalan nila'y Mahla, Noa, Hogla, Milca at Tirza. Lumapit sila kay Eleazar na pari, kay Josue na anak ni Nun, at sa mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, “Iniutos ni Yahweh kay Moises na bigyan din kami ng lupain, gaya ng ginawa niya sa iba naming kapatid.” Kaya't ayon sa utos ni Yahweh, binigyan din sila ng bahagi tulad ng kanilang mga kamag-anak na lalaki. Ito ang dahilan kung bakit ang lipi ni Manases ay tumanggap pa ng sampung parte, bukod sa Gilead at Bashan sa kabila ng Jordan. Binigyan din ng kanilang kaparte ang mga anak na babae. Ang Gilead ay napunta sa ibang mga anak na lalaki ni Manases. Ang lupain ng lipi ni Manases ay mula sa Asher hanggang sa Micmetat na nasa tapat ng Shekem. Buhat doon, nagtuloy ang hangganan sa En-tapua. Talagang bahagi ng Manases ang lupain ng Tapua, ngunit ang bayan ng Tapua na nasa gilid ng hangganan ng Manases ay kabilang sa mga bayang napapunta sa lipi ni Efraim. Ang hanggana'y nagtuloy sa batis ng Cana, namaybay rito, at nagtapos sa Dagat Mediteraneo. Bahagi ng Efraim ang mga lunsod na nasa timog ng batis, kahit na malapit ang mga ito sa mga lunsod ng Manases. Ang lupain ng Efraim ay nasa timog ng batis at ang lupain ng Manases ay nasa hilaga. Ang Dagat Mediteraneo ang hangganan nila sa kanluran. Katabi ng lipi ni Manases ang Asher sa dulong hilaga, at ang Isacar sa dakong silangan. Sa loob ng lupain ng Isacar at Asher ay may mga lunsod pa ring napunta sa lipi ni Manases: ang mga lunsod ng Beth-sean at Ibleam, pati ang mga nayon sa paligid, gayundin ang mga naninirahan sa Dor, Endor, Taanac at Megido, at sa kanilang mga nayon sa paligid. Ngunit hindi napaalis lahat ng mga taga-Manases ang mga naninirahan sa mga nasabing lunsod, kaya't nanatili roon ang mga Cananeo. Subalit nang maging mas makapangyarihan ang mga Israelita, hindi na nila lubusang pinaalis ang mga Cananeo ngunit sapilitan nilang pinagtrabaho ang mga ito bilang alipin. Lumapit kay Josue ang mga lipi ni Jose at kanilang sinabi, “Bakit iisang bahagi ang ibinigay mo sa amin, gayong napakarami namin sapagkat pinagpala kami ni Yahweh?” Sumagot si Josue, “Kung hindi sapat sa inyo ang kaburulan ng Efraim, pasukin ninyo at linisan ang mga kagubatan sa lupain ng mga Perezeo at mga Refaita.” Tumutol pa ang mga lipi ni Jose, “Hindi pa rin sapat sa amin ang kaburulan. Hindi naman namin kaya ang mga Cananeo sa kapatagan sapagkat sila'y may mga karwaheng bakal; gayundin ang mga Cananeo sa Beth-sean, sa mga nayon sa paligid, at sa Kapatagan ng Jezreel.” Sumagot muli si Josue, “Kayo'y napakarami at makapangyarihan. Hindi lamang iisa ang magiging kaparte ninyo. Mapapasa-inyo ang kaburulan. Kahit na kagubatan pa ngayon, lilinisan ninyo at titirhan ang kabuuan niyon. Mapapalayas ninyo ang mga Cananeo kahit na makapangyarihan sila at may mga karwaheng bakal.” Matapos nilang sakupin ang lupaing iyon, ang buong Israel ay nagtipon sa Shilo at itinayo roon ang Toldang Tipanan. Pitong lipi ni Israel ang hindi pa tumatanggap ng kanilang kaparte sa lupain. Kaya sinabi sa kanila ni Josue, “Kailan pa ninyo sasakupin ang lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno? Pumili kayo ng tatlong lalaki sa bawat lipi. Lilibutin nila ang buong lupain upang gumawa ng plano sa paghahati nito para sa kanila. Pagbalik nila, hahatiin sa pito ang buong lupain. Ngunit hindi magagalaw ang bahagi ni Juda sa timog ni ang bahagi ni Jose sa hilaga. Gagawa kayo ng plano at ilalagay roon ang kani-kanilang hangganan. Ibibigay sa akin ang plano at gagawin ko ang palabunutan ayon sa utos ni Yahweh. Hindi tatanggap ng bahagi ang mga Levita sapagkat ang bahagi nila'y ang paglilingkod kay Yahweh bilang mga pari. Ang mga lipi naman nina Gad at Ruben, at ang kalahati ng lipi ni Manases ay matatag na sa lupaing ibinigay sa kanila ni Moises sa ibayo ng Jordan.” Nang humarap sa kanya ang mga napili, sinabi sa kanila ni Josue, “Lumakad na kayo at tingnan ninyo ang lupain. Gumawa kayo ng ulat at ibigay sa akin sa inyong pagbabalik. Ako ang gagawa ng palabunutan dito sa Shilo para sa inyo, ayon sa utos ni Yahweh.” Sinuri nga nila ang buong lupain, at hinati sa pito. Itinala nila ang mga lunsod at bayang saklaw ng bawat bahagi. Pagkatapos, bumalik sila kay Josue sa Shilo. Ginawa nga ni Josue ang palabunutan ayon sa utos ni Yahweh, at sa pamamagitan nito'y binigyan niya ang bawat lipi ng kani-kanilang kaparte sa lupain. Nasa pagitan ng lupain ng lipi ni Juda at ni Jose ang lupaing napapunta sa mga angkan ng lipi ni Benjamin. Sa hilaga, ang hangganan nito'y nagsimula sa Ilog Jordan; umahon sa hilaga ng Jerico, napakanluran sa kaburulan, at nagtapos sa ilang ng Beth-aven. Buhat dito'y nagtungo sa gulod, sa gawing timog ng Luz (na tinatawag na Bethel). Nagtuloy sa Atarot-adar, na nasa kabundukan sa timog ng Beth-horong ibaba. Buhat naman sa kanluran ng bundok na nasa timog ng Beth-horon ay lumiko papuntang timog, at nagtapos sa lunsod ng Baal (na ngayo'y tinatawag na lunsod ng Jearim), isang lunsod ng lipi ni Juda. Ito ang hangganan sa kanluran. Sa timog, ang hangganan ng lupaing ito'y nagsimula sa gilid ng Lunsod ng Jearim at nagtapos sa batisan ng Neftoa. Lumusong patungo sa paanan ng bundok na nasa silangan ng Libis ng Ben Hinom at hilaga ng Libis ng Refaim, tinahak ang Libis ng Ben Hinom na nasa timog ng bundok ng mga Jebuseo, at nagtuloy sa En-rogel. Buhat dito'y lumusong pahilaga patungo sa En-shemes. Nagtuloy ng Gelilot na nasa tapat ng tawiran ng Adumim, at lumusong sa Bato ni Bohan na anak ni Ruben. Dumaan sa hilagang gulod ng Bundok ng Beth-araba, at lumusong sa Araba. Dumaan sa hilaga ng Bundok ng Beth-hogla at nagtapos sa pinagtagpuan ng Dagat na Patay at ng Ilog Jordan. Ito ang hangganan sa timog. Ang Ilog Jordan naman ang hangganan sa gawing silangan. Ito ang mga hangganan ng lupaing napapunta sa lipi ni Benjamin. Ang mga lunsod na napapunta sa lipi ni Benjamin ay ang Jerico, Beth-hogla at Emec-casis; Beth-araba, Zemaraim at Bethel; Avim, Para at Ofra; Kefar-ammoni, Ofni at Geba. Labindalawang lunsod kasama ang mga nayon sa paligid. Kasama rin ang Gibeon, Rama at Beerot; Mizpa, Cefira at Moza; Requem, Irpeel at Tarala; Zela, Elef at Jebus (o Jerusalem), Gibeat, at Lunsod ng Jearim—labing-apat na lunsod kasama ang kanilang mga nayon. Ito ang bahagi ni Benjamin ayon sa kani-kanilang mga angkan. Pangalawang lumabas sa palabunutan ang bahagi ng lipi ni Simeon. Nasa loob ng lupain ng Juda ang lupaing ibinigay sa kanila. Sakop nito ang Beer-seba, Seba at Molada; Hazar-shual, Bala at Ezem; Eltolad, Bethul at Horma; Ziklag, Beth-marcabot at Hazar-susa; Beth-lebaot at Saruhen—labing-tatlong lunsod at bayan ang sakop nila. Kasama rin ang apat na lunsod ng Ayin, Rimon, Eter at Asan at ang mga karatig-bayan nito. Sakop nito ang mga nayon sa paligid hanggang Baalat-beer o Rama ng Negeb. Ito ang lupaing napunta sa lipi ni Simeon bilang bahagi nila. Ang bahaging ito ay nasa loob ng teritoryo ng Juda; sapagkat ang lipi ni Juda ay tumanggap nang higit sa kanilang kinakailangan, ang bahagi nito ay ibinigay sa lipi ni Simeon. Pangatlong lumabas sa palabunutan ang bahagi ng lipi ni Zebulun. Ang lupaing napunta sa kanila ay abot sa Sarid. Buhat dito ang kanyang hanggana'y umahong pakanluran patungo sa Marala, nagtuloy sa Dabeset, at sa batis na nasa silangan ng Jokneam. Buhat din sa Sarid, ang hanggana'y pumasilangan hanggang sa Kislot-tabor, lumabas patungong Daberat, at umahon sa Jafia. Buhat doon, nagpatuloy sa Gat-hefer, nagdaan ng Itcazin, lumabas sa Rimon, at lumikong patungo sa Nea. Sa hilaga naman, ang hanggana'y lumikong patungo sa Hanaton, at nagtapos sa Kapatagan ng Jefte-el. Ito ang mga lunsod ng Zebulun: Catat, Nahalal, Simron, Idala, Bethlehem—labindalawang lunsod kasama ang mga nayon nito. Ang mga lunsod na ito at ang mga nayong sakop nila ang napapunta sa lipi ni Zebulun. Napunta sa lipi ni Isacar ang pang-apat na bahagi. Sakop nito ang Jezreel, Kesulot at Sunem; Hafaraim, Shion at Anaharat; Rabit, Cision at Ebez; Remet, En-ganim, En-hada at Beth-pazez. Abot sa Tabor, sa Sahazuma at Beth-semes ang kanyang mga hangganan, at nagtapos sa Ilog Jordan. Labing-anim na lunsod, kasama ang kanilang mga sakop na nayon, ang nasasaklaw ng lupaing ito. Ang mga lunsod at bayang ito ang bahaging napunta sa lipi ni Isacar. Napunta naman sa lipi ni Asher ang ikalimang bahagi. Sakop nito ang Helcat, Hali, Bethen at Acsaf; ang Alamelec, Amad at Misal; abot sa Carmelo at sa Sihor-libnat ang hangganan sa kanluran. Sa pasilangan naman, ang hanggana'y nagtungo sa Beth-dagon, at sa pahilaga, nagdaan sa gilid ng Zebulun at sa Kapatagan ng Jefte-el patungong Beth-emec at Neiel at nagtuloy sa Cabul. Saklaw pa rin sa gawing hilaga ang Ebron, Rehob, Hamon, Cana at hanggang sa Dakilang Sidon. Pagkatapos, ang hanggana'y lumikong patungo sa Rama, at nagtuloy sa Tiro, isang lunsod na napapaligiran ng pader; lumikong muli patungong Hosa, at nagtapos sa Dagat Mediteraneo. Kasama sa hilagang-silangan ng lupaing iyon ang Mahalab, Aczib, Uma, Afec at Rehob—dalawampu't dalawang lunsod, kasama ang mga nayong sakop nila. Ang mga lunsod at nayong ito ang naging bahagi ng mga angkan ng lipi ni Asher. Napunta naman sa lipi ni Neftali ang ikaanim na bahagi. Buhat sa Helef, sa gubat ng mga punong roble sa Zaananim, ang hangganan nito'y nagtungo sa Adamineceb, lumampas ng Jabneel, nagtuloy sa Lacum at nagtapos sa Jordan. Sa pakanluran naman, ang hanggana'y nagtungo sa Aznot-tabor at lumampas na papuntang Hucoca. Karatig ng lupaing ito sa timog ang lupain ng Zebulun, sa kanluran ang lupain ng Asher, at sa silangan ang Juda sa kabila ng Jordan. Ito ang mga lunsod ng Neftali na may mga pader: Sidim, Ser, Hamat, Racat, Cineret, Adama, Rama, Hazor, Kades, Edrei, En-hazor, Jiron, Migdal-el, Horem, Beth-anat at Beth-semes—labinsiyam na lunsod kasama ang mga nayong sakop nila. Ang mga lunsod at nayong ito ang naging bahagi ng lipi ni Neftali. Napapunta sa lipi ni Dan ang ikapitong bahagi. Sakop nito ang mga sumusunod: Zora, Estaol, Ir-semes, Saalabin, Ayalon, Itla, Elon, Timna, Ekron, Elteque, Gibeton, Baalat, Jehud, Bene-berac, Gat-rimon, Me-jarcon, Racon at ang lupaing nasa tapat ng Joppa. May mga lupain para sa lipi ni Dan na hindi pa nila nasasakop. Kaya't nang kulangin sila ng lupain, sinalakay nila ang Lesem, sinakop ito at nilipol ang mga tagaroon. Pagkatapos nilang makuha ang Lesem, pinalitan nila ang pangalan nito at tinawag na Dan, alang-alang kay Dan na kanilang ninuno. Ang mga lunsod at nayong ito ang naging bahagi ng lipi ni Dan, at pinaghati-hatian ng mga angkang bumubuo ng lipi. Matapos tanggapin ng mga Israelita ang kani-kanilang bahagi ng lupain, binigyan naman nila si Josue na anak ni Nun ng para sa kanya. Ayon sa ipinag-utos ni Yahweh, ibinigay nila sa kanya ang lunsod na kanyang hiniling, ang Timnat-sera na nasa lupain ng Efraim. Muli itong itinayo ni Josue at doon siya nanirahan. Ginawa ng paring si Eleazar at ni Josue na anak ni Nun ang pagbabahagi ng lupain sa pamamagitan ng palabunutan. Ginawa nila ito sa Shilo, sa harapan ni Yahweh, sa may pintuan ng Toldang Tipanan, katulong ang mga pinuno ng mga angkan. Sa ganitong paraan natapos ang pagbibigay sa bawat lipi ng kani-kanilang bahagi sa lupain. Sinabi ni Yahweh kay Josue, “Sabihin mo sa bayang Israel na pumili sila ng mga lunsod-kanlungan ayon sa sinabi ko kay Moises. Ang makapatay nang di sinasadya ay maaaring tumakbo roon upang makaligtas sa paghihiganti ng namatayan. Maaari siyang tumakbo sa isa sa mga lunsod na ito, humarap sa hukuman na nasa pagpasok ng lunsod, at ipaliwanag sa matatanda ang nangyari. Papapasukin siya, at doon papatirahin. Kapag sinundan siya roon ng mga nagnanais maghiganti, hindi siya isusuko ng mga tagaroon sapagkat nakamatay siya ng kapwa Israelita nang di sinasadya at hindi bunsod ng galit. Mananatili siya roon hanggang sa litisin sa harap ng mga taong-bayan, at hanggang hindi namamatay ang Pinakapunong Pari na nanunungkulan nang panahong iyon. Kung mangyari ito, maaari na siyang umuwi sa kanyang sariling bayan kung saan siya'y nakapatay.” Pinili nga nila ang Kades, sa Galilea, sa kaburulan ng Neftali; ang Shekem sa kaburulan ng Efraim; at ang Lunsod ng Arba (o Hebron) sa kaburulan ng Juda. Sa ibayo naman ng Jordan, sa kaburulang nasa silangan ng Jerico, pinili nila ang Bezer sa lupain ni Ruben; ang Ramot sa Gilead, sa lupain ni Gad; at ang Golan sa Bashan, sa lupain ni Manases. Ito ang mga lunsod-kanlungan na pinili para sa mga Israelita at para sa sinumang dayuhang naninirahang kasama nila. Ang makapatay nang di sinasadya ay maaaring pumunta roon hanggang sa siya'y litisin sa harap ng mga taong-bayan, upang huwag mapatay ng mga kamag-anak ng namatay. Ang mga pinuno ng mga angkan sa lipi ni Levi ay lumapit sa paring si Eleazar, gayundin kay Josue na anak ni Nun, at sa mga pinuno ng mga angkan ng buong Israel. Nasa Shilo pa sila noon, sa lupain ng Canaan. Sinabi nila, “Ipinag-utos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises na kami'y bigyan ng mga lunsod na matitirhan at mga pastulan sa palibot para sa aming mga kawan.” Dahil dito, ang mga anak ni Levi ay binigyan nga ng mga Israelita ng mga lunsod at pastulan mula sa kani-kanilang bahagi, ayon sa utos ni Yahweh. Unang tumanggap ng mga lunsod ang mga sambahayan sa angkan ni Kohat. Labing-tatlong lunsod mula sa mga lipi ni Juda, Simeon at Benjamin ang ibinigay sa mga angkan ng mga pari sa lahi ni Aaron. Ang ibang mga sambahayan sa angkan ni Kohat ay tumanggap ng sampung lunsod mula sa lipi ni Efraim, ni Dan at sa kalahati ng lipi ni Manases. Ang mga sambahayan sa angkan ni Gershon ay binigyan ng labing-tatlong lunsod mula sa mga lipi ni Isacar, ni Asher, ni Neftali at sa kalahati ng lipi ni Manases na nasa Bashan. Ang mga sambahayan sa angkan ni Merari ay tumanggap ng labindalawang lunsod mula sa mga lipi nina Ruben, Gad at Zebulun. Sa pamamagitan ng palabunutan, ayon sa iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises, binigyan ng mga Israelita ang mga anak ni Levi ng mga lunsod at mga pastulan. Ito ang mga pangalan ng mga lunsod na galing sa mga lipi ni Simeon at ni Juda, na ibinigay sa mga anak ni Aaron, mula sa angkan ni Kohat na anak ni Levi. Sila ang unang nabigyan batay sa palabunutan. Tinanggap nila ang Lunsod ng Arba (si Arba ang ninuno ng mga Anaceo) na ngayo'y tinatawag na Hebron sa kaburulan ng Juda. Kasama nito ang mga pastulan sa palibot. Ngunit ang mga bukirin ng bayan at ng mga nayon ay ibinigay na kay Caleb na anak ni Jefune, bilang kanyang bahagi sa lupain. Ito pa ang mga lunsod na ibinigay sa mga anak ng paring si Aaron: ang Hebron na isa sa mga lunsod-kanlungan, at ang mga pastulang sakop nito; ang Libna, kasama rin ang mga pastulan nito; ang Jatir, Estemoa, Holon, Debir, Ayin, Juta at Beth-semes, kasama rin ang mga pastulan nito. Siyam na lunsod ang galing sa mga lipi ni Simeon at ni Juda. Mula naman sa lipi ni Benjamin, tinanggap nila ang Gibeon, Geba, Anatot, at Almon—apat na lunsod, kasama ang pastulan ng mga ito. Lahat-lahat, ang mga angkang ito buhat sa lahi ni Aaron ay tumanggap ng labing-tatlong lunsod, kasama ang mga pastulan nito. Ang ibang mga Levita sa angkan ni Kohat ay tumanggap ng ilang lunsod mula sa lipi ni Efraim. Ibinigay sa kanila ang Shekem na isa rin sa mga lunsod-kanlungan sa kaburulan ng Efraim, kasama ang mga pastulan nito. Ibinigay rin sa kanila ang Gezer, Kibzaim at Beth-horon, gayundin ang mga pastulan nito. Apat na lunsod ang galing sa lipi ni Efraim. Binigyan din sila ng apat na lunsod mula sa lipi ni Dan: ang Elteque, Gibeton, Ayalon, at Gat-rimon, kasama ang mga pastulan nito. Dalawa naman ang galing sa kalahating lipi ni Manases sa kanluran ng Jordan: Taanac at Gat-rimon kasama rin ang mga pastulan nito. Sampung lunsod lahat pati ang mga pastulan nito, ang napunta sa mga sambahayan sa angkan ni Kohat. Ang mga sambahayan sa angkan ni Gershon na anak ni Levi ay tumanggap naman ng dalawang lunsod buhat sa kalahating lipi ni Manases sa silangan ng Jordan. Napunta sa kanila ang Golan na sakop ng Bashan at isang lunsod-kanlungan, pati ang Beestera, kasama ang mga pastulan nito. Buhat naman sa lipi ni Isacar, tumanggap sila ng apat na lunsod: ang Cision at Daberat, Jarmut at En-ganim, kasama ang mga pastulan nito. Apat ding lunsod ang tinanggap nila sa lipi ni Asher: ang Misal, Abdon, Helcat, at Rehob, kasama ang mga pastulan nito. Tatlong lunsod ang tinanggap nila sa lipi ni Neftali: ang Kades sa Galilea, isang lunsod-kanlungan, Hamotdor at Cartan, kasama ang mga pastulan nito. Labing-tatlong lunsod lahat ang napunta sa mga Levitang buhat sa angkan ni Gershon. Ang mga lunsod na ito mula sa lipi ni Zebulun ay tinanggap ng iba pang Levita, mga angkang buhat sa lahi ni Merari: ang Jokneam, Carta, Dimna, at Nahalal—apat na lunsod, kasama ang mga pastulan nito. Buhat naman sa lipi ni Ruben, tinanggap nila ang Bezer, Jahaz, Kedemot, at Mefaat—apat na lunsod, kasama ang mga pastulan nito. At buhat sa lipi ni Gad, tinanggap nila ang Ramot sa Gilead, isa pa rin sa mga lunsod-kanlungan, Mahanaim, Hesbon, at Jazer—apat na lunsod, kasama ang kanilang mga pastulan. Labindalawang lunsod, kasama ang kanilang mga pastulan, ang tinanggap ng mga sambahayan sa angkan ni Merari. Apatnapu't walong lunsod lahat, kasama ang kanilang mga pastulan, ang binawas sa lupain ng labing-isang lipi ni Israel at ibinigay sa mga Levita. May kanya-kanyang pastulan ang bawat lunsod na ito. Ibinigay nga ni Yahweh sa bayang Israel ang lahat ng lupaing ipinangako niya sa kanilang mga ninuno. Kaya't nang masakop na nila ang buong lupain, doon na sila nanirahan. Binigyan sila ni Yahweh ng kapayapaan sa buong lupain, ayon sa ipinangako niya sa kanilang mga ninuno. Hindi sila natalo kailanman ng kanilang mga kaaway, sapagkat pinagtatagumpay sila ni Yahweh laban sa lahat ng kaaway. Tinupad ni Yahweh ang lahat ng ipinangako niya sa sambayanang Israel. Pagkatapos, tinipon ni Josue ang mga mandirigma ng lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases. Sinabi niya, “Tinupad ninyo ang lahat ng tagubilin sa inyo ni Moises na lingkod ni Yahweh, at sinunod ninyo ang bawat utos ko. Hanggang sa panahong ito'y hindi ninyo pinabayaan ang mga kapatid ninyong Israelita. Tinupad ninyong mabuti ang lahat ng ipinag-utos ni Yahweh na inyong Diyos. At ngayon, naibigay na ni Yahweh na inyong Diyos sa inyong mga kapatid ang kapayapaang ipinangako niya. Kaya umuwi na kayo sa inyong mga tahanan sa kabila ng Jordan, sa lupaing ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ni Yahweh. Huwag lamang ninyong kakalimutang sundin ang mga tagubilin at kautusang ibinigay ni Moises sa inyo, “Ibigin ninyo si Yahweh na inyong Diyos. Sundin ninyo ang kanyang kalooban at tuparin ang kanyang mga utos. Maging tapat kayo sa kanya at paglingkuran ninyo siya nang buong puso't kaluluwa.” Binasbasan sila ni Josue, at umuwi na sila. Ang kalahati ng lipi ni Manases ay binigyan ni Moises ng lupain sa Bashan; ang kalahati ay binigyan ni Josue ng lupa sa kanluran ng Jordan, katabi ng iba pang lipi ng Israel. Nang sila'y pauwi na, binasbasan sila ni Josue at sinabi sa kanila, “Mayayaman kayong babalik sa inyo—maraming baka, ginto, pilak, tanso, bakal at mga damit. Bahaginan ninyo ng mga nasamsam ninyo sa mga kaaway ang inyong mga kapatid.” Umuwi na nga ang mga mandirigma ng lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases. Iniwan nila sa Canaan ang ibang mga Israelita at bumalik sila sa Gilead, sa lupaing naging bahagi nila ayon sa iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises. Pagdating nila ng Jordan na nasa panig ng Canaan, nagtayo sila ng isang mataas at malaking altar sa tabi ng ilog. Nalaman ito ng ibang mga Israelita at ganito ang kumalat na usap-usapan, “Alam ninyo, nagtayo ang mga lipi ni Ruben, ni Gad at ng kalahati ng lipi ni Manases ng isang altar sa hangganan ng Canaan bago tumawid ng Jordan.” Pagkarinig nito'y nagtipun-tipon sila sa Shilo at humandang digmain ang nasabing mga lipi. Sinugo ng bayang Israel si Finehas na anak ng paring si Eleazar, upang kausapin ang mga lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases. May kasama siyang sampung pinuno ng mga angkang buhat sa bawat lipi ni Israel. Bawat isa sa kanila ay pinuno ng mga angkan sa kani-kanilang mga lipi. Pagdating sa Gilead, sinabi nila sa mga lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases, “Ito ang ipinapasabi sa inyo ng buong sambayanan ni Yahweh: ‘Bakit ninyo ginawa ang ganitong pagtataksil sa Diyos ng Israel? Naghihimagsik kayo laban kay Yahweh sa pagtatayo ninyo ng sariling altar. Siya'y tinalikuran ninyo. Nalimutan na ba ninyo ang kasalanan natin sa Peor? Hanggang ngayon nga'y nagtitiis pa tayo sa parusang salot na iginawad ni Yahweh sa atin! Hindi pa ba sapat iyon, at ngayo'y nangahas pa kayong talikuran siya? Kapag naghimagsik kayo kay Yahweh ngayon, bukas din ay magagalit siya sa buong Israel. Kaya, kung ang inyong lupain ay hindi angkop sa pagsamba sa kanya, tumawid kayo sa gawi namin, sa kinaroroonan ng kanyang tabernakulo. Doon na kayo manirahan, huwag lamang kayong magtayo ng ibang altar maliban sa altar ni Yahweh na ating Diyos, sapagkat iyan ay paghihimagsik laban sa kanya at sa amin. Nakalimutan na ba ninyo si Acan na anak ni Zera? Nang sumuway siya sa utos tungkol sa mga bagay na dapat sunugin, kasama niyang naparusahan ang buong Israel! Hindi lamang siya ang namatay dahil sa kanyang kasalanan.” Sumagot ang mga lipi ni Ruben, ni Gad at kalahati ng lipi ni Manases sa mga pinuno ng mga angkan ng Israel, “Si Yahweh ay Diyos ng mga diyos! Si Yahweh ang Makapangyarihan sa lahat. Siya lamang ang Diyos! Alam niya kung bakit ginawa namin ito, at dapat din ninyong malaman! Kung kami'y sumuway at kung kami'y nagtaksil kay Yahweh, huwag na niya kaming hayaang mabuhay sa araw na ito. Kung nagtayo kami ng sariling altar upang suwayin si Yahweh, kung nag-alay kami ng handog na susunugin, o handog na pagkaing butil, o handog na pinagsasaluhan, parusahan nawa kami ni Yahweh! “Ginawa namin ito sa takot na baka dumating ang araw na sabihin ng inyong mga anak sa aming mga anak, ‘Ano ang kinalaman ninyo kay Yahweh, ang Diyos ng Israel? Siya na rin ang nagtakda na ang Ilog Jordan ay maging hangganang maghihiwalay sa atin. Kayong mga lipi ni Ruben at ni Gad ay walang bahagi kay Yahweh na Diyos ng Israel.’ Kapag nangyari iyon, ang aming mga anak ay maaaring hadlangan ng inyong mga anak sa pagsamba kay Yahweh. Ang totoo, itinayo namin ang altar na ito, hindi upang pagsunugan o pag-alayan ng mga handog. Itinayo namin ito upang maging bantayog para sa amin, para sa inyo, at para sa ating mga salinlahi—upang maging katibayan na talagang sinasamba natin si Yahweh sa pamamagitan ng mga handog na susunugin, mga alay at handog na pinagsasaluhan. Sa ganoon, hindi masasabi ng inyong mga anak sa aming mga anak, ‘Wala kayong pakialam kay Yahweh.’ At kung sakaling mangyari ito, masasabi ng aming mga anak, ‘Tingnan ninyo! Nagtayo ang aming mga ninuno ng isang altar na katulad ng altar ni Yahweh, hindi upang pagsunugan o pag-alayan ng mga handog, kundi upang maging saksi para sa amin at para sa inyo.’ Kailanma'y hindi namin inisip sumuway kay Yahweh o tumalikod sa kanya. Hindi kami nagtayo ng iba pang altar na pagsusunugan ng handog, o pag-aalayan ng handog na pagkaing butil, o handog na pinagsasaluhan, bukod sa altar ni Yahweh—sa altar na nasa harap ng kanyang tabernakulo.” Narinig ni Finehas at ng mga pinuno ng mga angkan ng Israel na kasama niya, ang sinabi ng mga lipi nina Ruben, Gad at Manases, at nasiyahan sila. Kaya, sinabi sa kanila ni Finehas, ang anak ng paring si Eleazar, “Alam na namin ngayon na kasama natin si Yahweh sa araw na ito. Hindi kayo nagtaksil kay Yahweh, kaya iniligtas ninyo ang Israel sa parusa ni Yahweh.” Iniwan ni Finehas at ng mga pinuno ng mga angkan ang mga lipi ni Ruben at ni Gad sa lupain ng Gilead. Nagbalik na sila sa Canaan at iniulat sa Israel ang buong pangyayari. Natuwa ang mga Israelita at nagpuri sa Diyos. Hindi na nila muling nabanggit ang balak nilang paglusob at pagwasak sa lupain nina Gad at Ruben. Ang altar na iyon ay tinawag na “Saksi” sapagkat sabi ng mga lipi nina Gad at Ruben, “Saksi ito para sa ating lahat na si Yahweh ay siyang Diyos.” Marami nang taon ang lumipas buhat nang bigyan ni Yahweh ang bayang Israel ng kapayapaan. Hindi na sila ginagambala ng mga kaaway na nasa palibot nila. At matandang-matanda na si Josue, kaya tinipon niya ang buong Israel: ang matatanda, ang mga pinuno ng mga angkan, mga hukom at ang mga tagapangasiwa sa bayan. Sinabi niya, “Ako'y matanda na. Nasaksihan ninyo ang ginawa ni Yahweh sa lahat ng bansang ito dahil sa inyo. Si Yahweh na inyong Diyos ang nakipaglaban sa inyong mga kaaway. Kaya, makinig kayo! Ibinibigay ko sa inyong lahat bilang bahagi ng inyong mga lipi ang buong lupaing nasa pagitan ng Ilog Jordan sa gawing silangan, at ng Dagat Mediteraneo sa kanluran: ang lupain ng mga bansang nasakop ko na, gayundin ang mga lupaing hindi pa nasasakop. Si Yahweh na inyong Diyos ang siyang magpapalayas sa mga bansang iyon pagdating ninyo roon. Sila'y palalayasin niya sa kanilang mga lupain upang kayo ang manirahan doon, gaya ng ipinangako sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos. Magpakatatag kayo at sundin ninyo ang lahat ng nasusulat sa aklat ng Kautusan ni Moises. Huwag kayong lilihis sa anumang ipinag-uutos nito. Huwag kayong makikisalamuha sa mga bansang natitira pa sa lupain ninyo. Huwag kayong mananalangin sa kanilang mga diyus-diyosan; huwag kayong manunumpa sa pangalan ng mga ito, at huwag din kayong sasamba o maglilingkod sa kanila. Sa halip ay manatili kayong tapat kay Yahweh na inyong Diyos, gaya ng ginagawa ninyo hanggang ngayon. Dahil diyan, pinalayas niya ang maraming malalaki at makapangyarihang bansa pagdating ninyo, at wala pang nakakatalo sa inyo hanggang ngayon. Ang isa sa inyo'y kayang patakbuhin ang sanlibong kaaway sapagkat si Yahweh na inyong Diyos ang siyang nakikipaglaban para sa inyo, tulad ng kanyang ipinangako. Kaya palagi ninyong ibigin si Yahweh na inyong Diyos. Kapag tinalikuran ninyo siya, at nakipagkaibigan kayo sa mga bansang natitira pa sa lupain ninyo, kapag nag-asawa kayo o nakisalamuha sa kanila, tandaan ninyo ito: hindi na palalayasin ni Yahweh ang mga bansang ito. Sa halip, sila'y magiging parang bitag para sa inyo, malupit na latigo sa inyong gulugod, tinik na tutusok sa inyong mga mata, hanggang sa maubos ang lahi ninyo sa lupaing ito na ibinigay sa inyo ni Yahweh. “Malapit na akong pumanaw sa daigdig na ito. Alam ninyo sa inyong puso't kaluluwa na tinupad ng Diyos ninyong si Yahweh ang bawat mabuting bagay na ipinangako niya sa inyo. Wala siyang hindi tinupad. Tinipon ni Josue sa Shekem ang lahat ng lipi ng Israel. Pinapunta niya roon ang matatandang namumuno, mga tagapangasiwa, ang mga hukom at ang mga opisyal ng Israel, at sila'y humarap sa Diyos. Sinabi niya, “Ito ang ipinapasabi sa inyo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Noong una, ang inyong mga ninuno ay nanirahan sa kabila ng Ilog Eufrates. Isa sa mga ito si Terah na ama ni Abraham at ni Nahor. Sumamba sila sa mga diyus-diyosan. Tinawag ko si Abraham buhat sa lupaing iyon at dinala ko siya at pinatnubayan sa buong lupain ng Canaan. Pinarami ko ang lahing nagmula sa kanya. Ibinigay ko sa kanya si Isaac, at kay Isaac ay ibinigay ko si Jacob at si Esau. Ibinigay ko kay Esau ang kaburulan ng Seir bilang bahagi niya. Ngunit si Jacob at ang kanyang mga anak ay nagpunta sa Egipto. Isinugo ko si Moises at si Aaron, at sa pamamagitan ng mga salot ay pinahirapan ko ang mga Egipcio. Pagkatapos ay inilabas ko kayo roon. Inilabas ko sa Egipto ang inyong mga ninuno at nakarating sila sa Dagat na Pula. Hinabol sila ng mga Egipciong sakay ng mga karwahe at kabayo hanggang sa may dagat. Ang inyong mga ninuno'y humingi ng tulong sa akin, at naglagay ako ng dilim sa pagitan nila at ng mga Egipcio. Pinagsama kong muli ang nahating dagat at sila'y natabunan ng tubig. Nasaksihan ninyo ang mga ginawa ko sa mga Egipcio. At matagal kayong nanirahan sa ilang. “‘Pagkatapos, dinala ko kayo sa lupain ng mga Amoreo sa silangan ng Jordan. Nilabanan nila kayo, ngunit pinagtagumpay ko kayo laban sa kanila. Pinuksa ko sila at nasakop ninyo ang kanilang lupain. Nilabanan kayo ng hari ng Moab na si Balac na anak ni Zippor at isinugo niya si Balaam na anak ni Beor upang sumpain kayo. Ngunit hindi ko hinayaang gawin ni Balaam iyon, sa halip pinagpala niya kayo. Sa ganoon, iniligtas ko kayo sa kamay ni Balac. Tumawid kayo ng Jordan at nakarating sa Jerico. Nilabanan kayo ng mga taga-Jerico at ng mga Amoreo, Perezeo, Cananeo, Heteo, Gergeseo, Hivita, at Jebuseo. Ngunit sila'y ibinigay ko sa inyong kapangyarihan. Parang hinabol ng mga putakti na nagtakbuhan ang dalawang haring Amoreo at pinalayas ko sila bago kayo dumating. Walang kinalaman sa pangyayaring iyon ang inyong mga tabak at pana. Binigyan ko kayo ng lupaing hindi ninyo binungkal. Pinatira ko kayo sa mga lunsod na hindi kayo ang nagtayo. Kumakain kayo ngayon ng ubas at olibo na galing sa mga punong hindi kayo ang nagtanim.’ “Kaya ngayon, sambahin ninyo si Yahweh at paglingkuran ninyo siya nang buong puso't katapatan. Alisin ninyo ang mga diyus-diyosang dating sinasamba ng inyong mga ninuno sa Mesopotamia at sa Egipto. Si Yahweh lamang ang inyong paglingkuran. At kung ayaw ninyong maglingkod kay Yahweh, pumili kayo ngayon kung sino ang inyong paglilingkuran: ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa Mesopotamia, o ang mga diyos ng mga Amoreo, na sinasamba dito sa lupaing inyong tinitirhan. Ngunit para sa akin at sa aking sambahayan, kay Yahweh kami maglilingkod.” Sumagot ang bayan, “Hindi namin magagawang talikuran si Yahweh at maglingkod sa ibang diyos! Si Yahweh, na ating Diyos, ang siyang humango sa atin sa pagkaalipin sa Egipto. Nasaksihan din namin ang mga kababalaghang ginawa niya upang tayo'y maingatan saanman tayo makarating at mailigtas sa mga kaaway sa mga bansang ating dinaanan. Pagdating natin, pinalayas ni Yahweh sa lupaing ito ang mga Amoreong nanirahan dito. Kaya't kay Yahweh rin kami maglilingkod sapagkat siya ang aming Diyos.” Ngunit sinabi ni Josue sa taong-bayan, “Hindi ninyo kayang maglingkod kay Yahweh sapagkat siya'y isang Diyos na banal at siya'y mapanibughuing Diyos. Hindi niya palalampasin ang inyong mga pagsuway at pagkakasala. Kapag tinalikuran ninyo siya at naglingkod kayo sa mga diyos ng ibang bansa, kapopootan niya kayo at paparusahan. Hindi niya panghihinayangang lipulin kayo sa kabila ng kanyang mga kabutihan sa inyo.” Sumagot ang taong-bayan kay Josue, “Hindi po mangyayari iyan! Kay Yahweh kami maglilingkod.” Sinabi ni Josue, “Kayo na rin ang mga saksi na pinili ninyong paglingkuran si Yahweh.” Sumagot naman sila, “Opo! Saksi kami.” Sinabing muli ni Josue, “Kung gayon, itapon ninyo ang mga diyus-diyosang iniingatan pa ninyo. Manumpa kayo kay Yahweh, sa Diyos ng Israel.” Sumagot muli ang mga tao, “Maglilingkod kami kay Yahweh na aming Diyos at susundin namin ang kanyang mga utos.” Kaya, nang araw na iyon ay gumawa si Josue ng kasunduan para tuparin ng sambayanan. Binigyan niya sila sa Shekem ng mga batas at tuntunin. Isinulat ni Josue ang mga batas na ito sa Aklat ng Kautusan ng Diyos. Kumuha siya ng isang malaking bato, itinayo sa lilim ng sagradong puno sa Banal na Lugar ni Yahweh. At sinabi niya sa lahat, “Tingnan ninyo ang batong ito. Ito ang ating saksi. Narinig nito ang lahat ng sinabi sa atin ni Yahweh. Ito rin ang magiging saksi laban sa inyo, kapag kayo'y tumalikod sa Diyos.” Pagkatapos, pinaalis na ni Josue ang mga tao, at umuwi sila sa kani-kanilang lupain. Lumipas ang sandaling panahon at ang lingkod ni Yahweh na si Josue, na anak ni Nun, ay namatay sa gulang na 110 taon. Inilibing siya sa kanyang sariling lupain sa Timnat-sera, sa kaburulan ng Efraim, hilaga ng Bundok ng Gaas. Naglingkod kay Yahweh ang sambayanang Israel habang nabubuhay si Josue. Kahit wala na siya, nanatili pa rin silang tapat kay Yahweh habang nabubuhay ang mga pinunong nakasaksi sa lahat ng mga ginawa ni Yahweh para sa Israel. Dinala ng bayang Israel ang mga buto ni Jose nang sila'y umalis sa Egipto. Ibinaon nila ito sa Shekem, sa lupaing binili ni Jacob sa mga anak ni Hamor, na ama ni Shekem, sa halagang sandaang pirasong pilak. Ang lupaing ito ay kasama sa naging bahagi ng mga anak ni Jose. Namatay din si Eleazar na anak ni Aaron at inilibing sa Gibea, ang bayang ibinigay sa anak niyang si Finehas sa kaburulan ng Efraim. Pagkamatay ni Josue, nagtanong kay Yahweh ang mga Israelita, “Sino sa amin ang unang sasalakay sa mga Cananeo?” “Ang lipi ni Juda ang mauuna. Ipapasakop ko sa kanila ang lupain,” sagot ni Yahweh. Sinabi ng mga kabilang sa lipi ni Juda sa mga kabilang sa lipi ni Simeon, “Tulungan ninyo kami sa pagsakop sa lugar na nakalaan para sa amin, at pagkatapos ay tutulungan naman namin kayo sa pagsakop sa lupaing para sa inyo.” Tumulong nga ang lipi ni Simeon. Tinulungan sila ni Yahweh na matalo ang mga Cananeo at ang mga Perezeo. Umabot sa sampung libo ang napatay nila sa Bezek. Doon nila nilabanan ang hari ng Bezek, mga Cananeo at mga Perezeo. Tumakas ang hari ng Bezek ngunit hinabol nila ito, at nang mahuli ay pinutulan ng hinlalaki sa paa't kamay. Sinabi ng hari ng Bezek, “Pitumpung hari na ang naputulan ko ng hinlalaki ng paa't kamay, at pinamulot ng mumo sa ilalim ng aking mesa. Ngayo'y pinagbayad ako ng Diyos sa aking ginawa.” Dinala ito sa Jerusalem at doon namatay. Ang Jerusalem ay sinalakay at nasakop ng lipi ni Juda. Pinatay nila ang mga nakatira roon at sinunog ang lunsod. Pagkatapos, nilabanan naman nila ang mga Cananeo sa mga kaburulan, sa kapatagan at sa disyerto sa katimugan. Sinalakay ng lipi ng Juda ang mga Cananeong nasa Hebron, dating Lunsod ng Arba, at natalo nila sina Sesai, Ahiman at Talmai. Mula sa Hebron, sinalakay naman nila ang Debir, ang dating Lunsod ng Sefer. Sinabi ni Caleb, “Ang anak kong si Acsa ay ibibigay ko para maging asawa ng sinumang makakasakop sa Lunsod ng Sefer.” Si Otniel na anak ni Kenaz at pamangkin ni Caleb ang nakasakop sa lunsod, kaya siya ang napangasawa ni Acsa. Nang sila'y ikasal na, inutusan ni Otniel si Acsa na humingi ng bukirin sa kanyang amang si Caleb. Kaya, nagpunta si Acsa kay Caleb. Pagdating doon, tinanong naman siya agad nito kung ano ang kailangan niya. “Bigyan mo po sana ako ng lugar na may tubig. Ang lupang ibinigay mo sa akin ay walang mapagkukunan ng tubig,” sabi ni Acsa. At ibinigay sa kanya ni Caleb ang mga balon sa gawing itaas at ibaba. Ang angkan ni Hobab na isang Cineo, na kamag-anak ng biyenan ni Moises, ay sumama sa lipi ni Juda mula sa Jerico, ang Lunsod ng mga Palma, hanggang sa ilang ng Juda, sa timog ng Arad. Nanirahan silang kasama ng mga Amalekita. Ang lipi naman ni Simeon ay tinulungan ng lipi ni Juda sa pagsakop sa Lunsod ng Sefat. Winasak nila ito nang husto at pinangalanang Horma. Nasakop din nila ang buong Gaza, Ashkelon at Ekron. Tinulungan ni Yahweh ang Juda, kaya't nasakop nila ang mga kaburulan. Ngunit hindi nila nasakop ang mga nasa kapatagan sapagkat ang mga tagaroon ay may mga karwaheng bakal. At tulad ng sinabi ni Moises, ibinigay nga kay Caleb ang Hebron. Pinalayas niya roon ang tatlong anak ni Anac. Ang mga Jebuseo namang naninirahan sa Jerusalem ay hindi pinaalis ng lipi ni Benjamin, kaya hanggang ngayo'y kasama nilang naninirahan doon ang mga ito. Sa daan ay may nasalubong silang isang tao mula sa lunsod. Sinabi nila rito, “Ituro mo sa amin ang pagpasok sa lunsod at gagantimpalaan ka namin.” Itinuro naman nito sa kanila, at pinatay nila ang mga tagaroon maliban sa lalaking napagtanungan nila pati ang pamilya nito. Pagkatapos, ang lalaking iyon ay nagpunta sa lupain ng mga Heteo at nagtayo ng isang lunsod na hanggang ngayo'y tinatawag na Luz. Hindi pinaalis ng lipi ni Manases ang mga naninirahan sa mga lunsod ng Beth-sean, Taanac, Dor, Ibleam, Megido at sa mga nayong sakop ng mga ito. Kaya't nanatili roon ang mga Cananeo. Subalit nang maging mas makapangyarihan ang mga Israelita, hindi na nila lubusang pinaalis ang mga Cananeo ngunit sapilitan nilang pinagtrabaho ang mga ito bilang alipin. Hindi rin pinaalis ng lipi ni Efraim ang mga Cananeo sa lunsod ng Gezer. Sila'y sama-samang nanirahan doon. Hindi pinaalis ng lipi ni Zebulun ang mga naninirahan sa mga lunsod ng Kitron at Nahalol. Sama-sama silang nanirahan doon, subalit sapilitan nilang pinagtatrabaho ang mga ito bilang mga alipin. Hindi rin pinaalis ng lipi ni Asher ang mga taga-lunsod ng Acco, Sidon, Ahlab, Aczib, Helba, Afec at Rehob. Sama-sama silang nanirahan doon. Hindi rin pinaalis ng lipi ni Neftali ang mga taga-Beth-semes at Beth-anat. Sila'y sama-samang nanirahan doon ngunit inalipin nila ang mga tagaroon. Ang lipi naman ni Dan ay napaurong ng mga Amoreo papuntang bulubundukin. Hindi sila pinayagan ng mga Amoreo na makapanirahan sa kapatagan, sa halip ay itinaboy sila sa kaburulan. Hindi umalis sa Heres, Ayalon at Saalbim ang mga Amoreo, ngunit dumating ang araw na nasakop sila ng mga lipi ni Jose at inalipin sila ng mga ito. Ang sakop ng mga Amoreo ay mula sa Pasong Alakdan hanggang sa Petra. Mula sa Gilgal, nagpunta sa Boquim ang anghel ni Yahweh. Sinabi niya sa mga Israelita, “Inilabas ko kayo sa Egipto at dinala sa lupain na aking ipinangako sa inyong mga ninuno. Sinabi ko noon na hindi ako sisira sa ating kasunduan. Sinabi ko ring huwag kayong gagawa ng kasunduan sa mga tagaroon, sa halip ay gibain ninyo ang kanilang mga altar. Ngunit ano ang inyong ginawa? Hindi ninyo ako sinunod! Kaya ngayon, hindi ko sila paaalisin sa lupaing pupuntahan ninyo. Magiging tinik sila sa inyong landas at ang mga diyus-diyosan nila ay magiging mabigat na pagsubok sa inyo.” Matapos sabihin ito ng anghel ni Yahweh, nag-iyakan ang mga Israelita. Kaya, tinawag nilang Boquim ang lugar na iyon, at naghandog sila roon kay Yahweh. Ang mga Israelita ay gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh at sumamba sila sa mga Baal. Tinalikuran nila si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, na nagligtas sa kanila sa Egipto. Naglingkod sila at sumamba sa mga diyus-diyosan ng mga bayan sa kanilang paligid. Kaya nagalit sa kanila si Yahweh. Itinakwil nila si Yahweh at naglingkod sa mga Baal at kay Astarot. Dahil dito, nagalit si Yahweh sa Israel at sila'y hinayaan niyang matalo ng kaaway at samsaman ng ari-arian. Tuwing makikipagdigma sila, hindi na sila tinutulungan ni Yahweh tulad ng kanyang babala. Kaya't wala silang kapanatagan. Dahil dito, ang Israel ay binigyan ni Yahweh ng mga hukom na siyang magliligtas sa kanila sa kamay ng mga mananakop. Ngunit hindi rin nila sinunod ang mga hukom na ito. Tinalikuran ng mga Israelita si Yahweh. Ang katapatan ng kanilang mga ninuno kay Yahweh ay hindi nila pinamarisan. Lahat naman ng hukom na isinugo ni Yahweh ay pinatnubayan niya at iniligtas niya ang Israel sa mga kaaway habang nabubuhay ang hukom. Kinaawaan sila ni Yahweh dahil sa kanilang mga daing bunga ng hirap na dinaranas nila. Ngunit pagkamatay ng hukom, muli na namang sumasamba sa mga diyus-diyosan ang mga Israelita. Higit pa sa kasamaan ng kanilang mga ninuno ang kanilang ginagawa; hindi nila maiwan ang kanilang masasamang gawain at katigasan ng ulo. Kaya, lalong nagalit si Yahweh sa kanila. Sinabi niya, “Sumira ang mga Israelita sa kasunduang ibinigay ko sa kanilang mga ninuno. Dahil sa pagsuway nila sa akin, hindi ko na palalayasin ang natitira pang Cananeo sa lupaing iniwan sa kanila ni Josue nang siya'y namatay. Sa pamamagitan ng mga bansang ito, masusubok ko kung ang Israel ay susunod sa aking mga utos, tulad ng kanilang mga ninuno.” Kaya, hindi agad pinaalis ni Yahweh ang mga tao sa mga lupaing hindi nasakop ng mga Israelita noong buháy pa si Josue. Hinayaan ni Yahweh na manatili sa lupain ang ilang mga bansa upang subukin ang mga Israelitang hindi nakaranas makipagdigma sa Canaan. Ginawa niya ito upang turuang makipagdigma ang lahat ng salinlahi ng Israel, lalo na ang mga walang karanasan sa digmaan. Ang mga naiwan sa lupain ay ang limang lunsod ng mga Filisteo, lahat ng lunsod ng mga Cananeo, mga taga-Sidon at mga Hivita na nanirahan sa Bundok ng Lebanon, mula sa Bundok ng Baal-hermon hanggang sa Pasong Hamat. Ginamit sila ni Yahweh upang subukin kung susunod o hindi ang mga Israelita sa mga utos na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno sa pamamagitan ni Moises. Kaya nanirahan ang mga Israelita sa lupaing iyon kasama ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hivita at Jebuseo. Pinayagan nila ang kanilang mga anak na mag-asawa ng mga tagaroon at makisama sa paglilingkod sa mga diyus-diyosan. Ang mga Israelita ay muling gumawa ng kasamaan laban sa Diyos. Tinalikuran nila si Yahweh na kanilang Diyos at sumamba sila sa mga Baal at sa mga Ashera. Dahil dito, nagalit si Yahweh sa kanila at pinabayaang masakop ni Haring Cushanrishataim ng Mesopotamia. Walong taon silang inalipin ng haring ito. Subalit nang humingi sila ng tulong kay Yahweh, ginawa niyang hukom si Otniel, anak ni Kenaz at pamangkin ni Caleb, upang ito ang magligtas sa kanila sa pagkaalipin. Nilukuban siya ng Espiritu ni Yahweh, at siya'y naging hukom at pinuno ng Israel. Nakipagdigma siya laban kay Cushanrishataim na hari ng Mesopotamia. Sa tulong ni Yahweh, natalo ito ni Otniel. Nagkaroon ng kapayapaan sa lupain sa loob ng apatnapung taon hanggang sa mamatay si Otniel na anak ni Kenaz. Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita laban kay Yahweh. Dahil dito, si Eglon na hari ng Moab ay pinalakas ni Yahweh nang higit kaysa sa Israel. Nakipagsabwatan si Eglon sa mga Ammonita at mga Amalekita. Natalo nila ang Israel at nasakop ang Lunsod ng Palma. Labing-walong taóng sakop ni Eglon ang mga Israelita. Subalit nang muling humingi ng tulong kay Yahweh ang mga Israelita, ginawa niyang hukom si Ehud na isang kaliwete, anak ni Gera buhat sa lipi ni Benjamin, upang sila'y iligtas. Siya ang pinagdala ng mga Israelita ng kanilang buwis kay Haring Eglon, kaya't si Ehud ay gumawa ng isang tabak na magkabila'y talim at isa't kalahating metro ang haba. Itinali niya ito sa kanan niyang hita, sa loob ng kanyang damit. At dinala nga ni Ehud ang mga buwis ng Israel kay Haring Eglon na isang napakatabang lalaki. Nang maibigay na ni Ehud ang mga buwis, pinauwi na niya ang mga nagbuhat nito. Ngunit pagdating sa may mga inukit na bato malapit sa Gilgal, nagbalik si Ehud sa hari at sinabi niya rito, “Kamahalan, mayroon po akong lihim na mensahe para sa inyo.” Dahil dito, sinabi ng hari sa kanyang mga lingkod, “Iwan ninyo kami.” At umalis ang lahat sa harapan ng hari. Lumapit si Ehud sa kinauupuan ng hari sa malamig na silid-pahingahan na nasa tuktok ng palasyo, at muling sinabi, “May ipinapasabi po sa akin ang Diyos para sa inyo.” At nang tumayo ang hari, binunot ng kaliwang kamay ni Ehud ang kanyang tabak na nakatago sa kanyang kanang hita at itinarak sa tiyan ng hari. Bumaon pati ang hawakan ng tabak at ito ay natakpan ng taba. Hindi na binunot ni Ehud ang patalim dahil tumagos ito hanggang sa likuran ng hari. Paglabas ni Ehud, isinara niya ang pinto at tuluy-tuloy na umalis. Nang magbalik ang mga lingkod ng hari, nakita nilang sarado ang pinto kaya inisip nilang nagbabawas ang hari. Hindi nila binuksan ang pinto at naghintay na lamang sila sa labas. Inabot na sila ng pagkainip ngunit hindi pa lumalabas ang hari. Kaya, binuksan na nila ang silid nito. At nakita nilang patay na ang hari at nakahandusay sa sahig. Samantala, malayo na ang narating ni Ehud habang naghihintay ang mga lingkod ng hari. Nakalampas na siya sa mga inukit na bato at tumakas papuntang Seira. Pagdating sa kaburulan ng Efraim, hinipan niya ang trumpeta at nagsidatingan ang mga Israelita. At mula roon, pinangunahan niya sa pakikidigma ang mga ito. Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin. Pagtatagumpayin kayo ni Yahweh laban sa mga Moabita.” Kaya't sila'y sumunod sa kanya at nasakop nila ang tawiran ng mga Moabita sa Jordan. Wala silang pinatawid doon kahit isa. Sumunod kay Ehud si Shamgar na anak ni Anat. Iniligtas din niya ang Israel nang patayin niya ang animnaraang Filisteo sa pamamagitan ng isang tungkod na pantaboy ng baka. Nang mamatay si Ehud, ang bayang Israel ay muling gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh. Kaya, hinayaan ni Yahweh na masakop sila ni Jabin, isang Cananeo na hari ng Hazor. Si Sisera na taga-Haroset Hagoyim ang pinuno ng kanyang hukbo. Si Jabin ay may siyam na raang karwaheng bakal. Pinagmalupitan at inapi niya ang Israel sa loob ng dalawampung taon. Kaya't humingi ng tulong kay Yahweh ang mga Israelita. Noon, ang babaing propeta na si Debora, asawa ni Lapidot, ay nagsisilbing hukom ng Israel. Nakaugalian na niyang maupo sa ilalim ng puno ng palmera sa kaburulan ng Efraim, sa pagitan ng Rama at Bethel. Pinupuntahan siya rito ng mga tao upang magpasya sa kanilang mga usapin. Isang araw, ipinatawag niya si Barak na anak ni Abinoam na taga-Kades, mula sa lipi ni Neftali. Sinabi niya rito, “Ipinag-uutos sa iyo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, na pumili ka ng sampung libong kawal mula sa lipi nina Neftali at Zebulun. Isama mo sila sa Bundok ng Tabor. Lalabanan ninyo sa may Ilog Kison ang pangkat ni Sisera, ang pinuno ng hukbo ni Jabin. Ngunit pagtatagumpayin kita laban sa kanya.” Sumagot si Barak, “Pupunta ako kung kasama ka. Ngunit kung hindi ka sasama, hindi ako pupunta.” Sinabi ni Debora, “Kung gayon, sasama ako, ngunit wala kang makukuhang karangalan sapagkat si Sisera ay ibibigay ni Yahweh sa kamay ng isang babae.” Sumama nga si Debora kay Barak. Nanawagan si Barak sa lipi nina Neftali at Zebulun, at sampung libong kalalakihan ang sumunod sa kanya. Sumama rin sa kanya si Debora. Samantala, si Heber na isang Cineo ay lumayo sa mga kapwa niya Cineo. Ang mga Cineo ay buhat sa angkan ni Hobab na kamag-anak ng asawa ni Moises. Nagtayo si Heber ng tolda malapit sa kagubatan ng Zaananim, malapit sa Kades. May nakapagsabi kay Sisera na si Barak ay pumunta sa Bundok Tabor. Kaya, tinipon niya ang kanyang siyam na raang karwaheng bakal at ang lahat ng kanyang kawal mula sa Haroset Hagoyim patungo sa Ilog Kison. Sinabi ni Debora kay Barak, “Lusob! Ngayon ang araw na itinakda ni Yahweh upang gapiin mo si Sisera. Pangungunahan ka ni Yahweh!” Pumunta nga sa Bundok Tabor si Barak at ang sampung libong kawal niya. Nang sumalakay sina Barak, nilito ni Yahweh sina Sisera. Nagkanya-kanyang takbuhan ang mga kawal nito. Si Sisera naman ay bumabâ sa kanyang karwahe at patakbong tumakas. Hinabol nina Barak ang mga karwahe ni Sisera hanggang sa Haroset Hagoyim at pinatay nila ang lahat ng mga tauhan nito. Wala silang itinirang buháy. Samantala, nakatakas si Sisera at nagtago sa tolda ni Jael na asawa ng Cineong si Heber, sapagkat magkaibigan si Haring Jabin ng Hazor at ang sambahayan ni Heber. Nang makita ni Jael na papalapit si Sisera, sinabi niya, “Tuloy po kayo sa aking tolda at huwag kayong matakot.” Pumasok nga si Sisera at siya'y pinatago ni Jael sa likod ng tabing. Sinabi ni Sisera kay Jael, “Nauuhaw ako. Maaari mo ba akong bigyan ng tubig na maiinom?” Ang babae ay kumuha ng sisidlang-balat na puno ng gatas. Pinainom niya si Sisera, saka pinatagong muli. Sinabi ni Sisera, “Diyan ka muna sa may pintuan ng tolda. Kapag may nagtanong kung may tao rito, sabihin mong wala.” Dahil sa matinding pagod, nakatulog nang mahimbing si Sisera. Si Jael naman ay kumuha ng maso at tulos ng tolda. Dahan-dahan siyang lumapit kay Sisera at pinukpok ang tulos sa noo nito hanggang sa bumaon sa lupa. Sa gayon, namatay si Sisera. Nang dumating si Barak na naghahanap kay Sisera, sinabi niya, “Narito ang hinahanap ninyo.” Pagpasok ni Barak, nakita niyang patay na si Sisera. Nakabulagta ito at nakabaon pa sa noo ang tulos. Nang araw na iyon, pinagtagumpay ng Diyos ang bayang Israel laban kay Jabin, ang haring Cananeo. Patuloy nila itong ginipit hanggang sa lubusang matalo. Nang araw na iyon, ang awit na ito'y inawit ni Debora at ni Barak na anak ni Abinoam: “Purihin si Yahweh! Ang mga Israelita'y buong giting na lumaban; nagkusang-loob ang taong-bayan. “Mga pinuno at mga hari, inyong dinggin, ako'y aawit kay Yahweh, sa Diyos ng Israel! “Nang sa bundok ng Seir, Yahweh, ikaw ay lumisan, at nang ang lupain ng Edom ay iyong iniwan, nayanig ang lupa at bumuhos ang ulan, tubig ng mga ulap sa kalangitan. Nayanig ang mga bundok sa harapan ni Yahweh, na nasa Zion, sa harapan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. “Nang panahon ni Shamgar, anak ni Anat, gayundin naman nang panahon ni Jael, ang mga manlalakbay ay lumilihis sa daan, tumigil ang mga tao sa pangangalakal. Noo'y iniwan na ang mga nayon sa Israel, ngunit nang dumating ka, Debora, sa Israel ika'y naging isang ina. Pumipili sila ng mga bagong diyus-diyosan, kaya't ang digmaa'y nasa mga pintuang-bayan. Sa apatnapung libong Israel na lumaban, mayroon bang nagdala ng sibat at kalasag man lang? Ang pagmamalasakit ng puso ko'y sa mga pinunong Israelita, na kusang nag-alay ng sariling buhay nila. Purihin si Yahweh! “Umawit kayo habang sakay ng mapuputing asno, habang maiinam na latag ang inuupuan ninyo at kayong mga naglalakad saanman patungo. Sabay sa himig ng mga pastol sa tabing balon kung saan sinasaysay ang tagumpay ni Yahweh, mga tagumpay ng Israel sa kanyang mga nayon. Sa pintuan ng lunsod pumasok sila roon. “Gumising ka, Debora, at ikaw ay tumayo! Gumising ka't bumangon, umawit ng isang himig. Barak, anak ni Abinoam, kumilos ka't dalhin mong bihag ang mga kalaban. Kumilos na ang mga dakila ng bayan; alang-alang kay Yahweh malakas man ay lalabanan! Sumalakay sa libis ang hukbo ni Efraim, kasunod sa paglusob ang lipi ni Benjamin. Mga pinuno ng Maquir sa digmaa'y dumating, gayundin ang mga pinuno na sa Zebulun nanggaling. Ang mga pinuno ng Isacar sumama kay Debora, gayundin kay Barak na tagapanguna, at hanggang sa libis sumunod sa kanya. Ngunit ang lipi ni Ruben ay di makapagpasya, di nila malaman kung sila ay sasama. Bakit ayaw ninyong iwan ang pastulan? Hindi n'yo ba maiwan ang inyong mga kawan? Ang lipi nga ni Ruben, sa pagpapasya'y nahirapan. Ang Gilead ay nanatili sa silangan ng Jordan, ang mga barko'y hindi iniwan ng lipi ni Dan. Ang lipi ni Asher, sa tabing-dagat nagpaiwan, sila'y nanatili sa mga daungan. Itinaya ng Zebulun ang kanyang buhay, gayundin ang Neftali na humarap sa digmaan. “Ang mga hari'y dumating doon sa labanan, silang mga hari ng lupang Canaan, sa mga batis ng Megido doon sa Taanac, ngunit wala silang nasamsam na pilak. Pati mga bituin ay nakipaglaban, nilabanan si Sisera buhat sa kalangitan. At sa kanilang pagtawid sa ilog ng Kison, tinangay sila ng agos, nilamon ng mga alon. Gayunman kaluluwa ko, tumatag ka't magpatuloy! Sa bilis ng takbo ang yabag ay walang humpay, kabayong matutulin sila ang nakasakay. “Sumpain ang Meroz,” sabi ng anghel ni Yahweh. “Sumpain nang labis ang naninirahan doon, sapagkat hindi sila humarap at tumulong sa labanan, nang digmain ni Yahweh ang mga kalaban. “Higit ngang pinagpala ang babaing si Jael, ang asawa ng Cineong si Heber, sa lahat ng babaing nakatira sa mga tolda, higit na pagpapala nakalaan sa kanya. Si Sisera'y humingi ng tubig na inumin, ngunit gatas ang ibinigay ni Jael; malinamnam na gatas sa sisidlang mamahalin. At habang ang tulos ng tolda'y hawak ng kaliwang kamay, sa kanan nama'y hawak ang maso ng panday, ibaon ang tulos sa sentido ni Sisera, nabasag at nadurog ang ulo niya. Sa paanan ni Jael, si Sisera'y nahandusay, sa kanyang paana'y bumagsak at namatay. “Itong ina ni Sisera ay naroon sa bintana, naiinip, hindi mapakali, nagtatanong na may luha, ‘Bakit kaya hanggang ngayon ang anak ko'y wala pa, kabayo at karwahe niya'y masyadong naaantala?’ Mga babaing tagapayo ay tumugon sa kanya; at sa kanyang tanong ito rin ang sagot niya: ‘Nagtatagal marahil siya sa paghanap ng samsam nila, para sa isang kawal, isang babae o dalawa, mamahaling kasuotan para sa kanyang ina, at magarang damit naman para sa kanya.’ “Ganyan nawa malipol ang iyong mga kalaban, O Yahweh, maging tulad naman ng sumisikat na araw ang iyong mga kaibigan.” At nagkaroon ng kapayapaan sa lupain sa loob ng apatnapung taon. Muling gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh ang mga Israelita, kaya sila'y hinayaan niyang masakop ng mga Midianita sa loob ng pitong taon. Higit na makapangyarihan ang mga Midianita kaysa sa mga Israelita. Kaya't ang mga Israelita ay nagsipagtago sa mga kuweba at sa mga kabundukan. Tuwing magtatanim ang mga Israelita sa kanilang mga bukirin, sinasalakay sila ng mga Midianita, Amalekita, at iba pang mga lipi galing sa disyerto. Nagkakampo ang mga ito sa lupain at sinisira ang mga pananim doon hanggang sa may Gaza. Wala silang itinitirang anuman na maaaring pakinabangan ng mga Israelita sapagkat kinukuha nilang lahat pati ang mga tupa, baka at asno. Dumarating silang parang makapal na balang kasama ang kanilang mga baka, tolda at mga kamelyong hindi mabilang sa dami, at sinisira ang lupain. Walang magawâ ang mga Israelita, kaya humingi sila ng tulong kay Yahweh. Nang marinig ni Yahweh ang pagdaing ng mga Israelita dahil sa pagpapahirap ng mga Midianita, sila'y pinadalhan niya ng propeta at ipinasabi ang ganito: “Inilabas ko kayo sa Egipto. Iniligtas ko kayo sa kanilang pang-aalipin, at sa lahat ng inyong kaaway. Natalo ninyo sila at ibinigay sa inyo ang kanilang lupain. Sinabi ko na sa inyo na ako si Yahweh na inyong Diyos at hindi kayo dapat sumamba sa mga diyos ng mga Amoreo, sa lupaing inyong tinitirhan ngayon. Ngunit hindi kayo nakinig sa akin.” Dumating sa Ofra ang anghel ni Yahweh at naupo sa ilalim ng malaking puno na pag-aari ni Joas na buhat sa angkan ni Abiezer. Si Gideon na anak ni Joas ay kasalukuyang gumigiik noon ng trigo sa pisaan ng ubas. Patago ang kanyang paggiik upang hindi siya makita ng mga Midianita. Nagpakita sa kanya ang anghel ni Yahweh at sinabi sa kanya, “Sumasaiyo si Yahweh, magiting na lalaki.” Sumagot si Gideon, “Mawalang-galang na po. Kung talagang kasama namin si Yahweh, bakit ganito ang nangyayari sa amin? Nasaan na ngayon ang mga kababalaghang ginawa niya noon gaya ng ikinuwento sa amin ng aming mga ninuno, kung paanong sila'y iniligtas niya sa Egipto? Pinabayaan na kami ni Yahweh sa kamay ng mga Midianita.” Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Lumakad ka at gamitin mo ang buong lakas mo upang iligtas ang Israel mula sa mga Midianita. Ako mismo ang nagsusugo sa iyo.” Sumagot si Gideon, “Ngunit Panginoon, paano ko maililigtas ang Israel? Ang aming angkan ang pinakamahina sa lipi ni Manases, at ako naman ang pinakahamak sa pamilya namin.” Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Makakaya mo ito sapagkat tutulungan kita. Matatalo mo ang mga Midianitang ito na para ka lang lumaban sa isang tao.” Sumagot si Gideon, “Kung ako po ay talagang kalugud-lugod sa inyo, bigyan ninyo ako ng palatandaang kayo nga ang nag-uutos sa akin. Huwag po muna kayong umalis at hahainan ko kayo ng pagkaing handog.” “Hihintayin kita,” sagot ni Yahweh. Umuwi nga si Gideon at nagluto ng isang batang kambing at gumawa ng tinapay na walang pampaalsa mula sa limang salop na harina. Pagkaluto, inilagay niya ang karne sa basket at ang sabaw sa isang palayok. Inihain niya ito sa anghel ni Yahweh sa ilalim ng malaking puno. Sinabi sa kanya ng anghel, “Ipatong mo sa malaking batong ito ang karne at ang tinapay. Pagkatapos, buhusan mo ng sabaw.” Iyon nga ang ginawa ni Gideon. Ang karne at ang tinapay ay hinawakan ng anghel ni Yahweh sa pamamagitan ng tungkod. May lumabas na apoy mula sa bato at nasunog ang karne at ang tinapay. Pagkatapos, ang anghel ni Yahweh ay nawala sa kanyang paningin. Saka pa lamang naunawaan ni Gideon na anghel nga ni Yahweh ang nakausap niya. Dahil dito, kinilabutan siya sa takot at sinabi, “Panginoong Yahweh tulungan mo po ako! Harap-harapan kong nakita ang iyong anghel!” Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, “Huminahon ka. Huwag kang matakot. Hindi ka mamamatay.” At si Gideon ay nagtayo roon ng isang altar para kay Yahweh na tinawag niyang, “Si Yahweh ay Kapayapaan.” (Hanggang ngayon ay naroon pa sa Ofra ang altar, sa lugar na sakop ng angkan ni Abiezer.) Kinagabihan, sinabi ni Yahweh kay Gideon, “Kunin mo ang toro ng iyong ama, at isa pang toro na pitong taóng gulang. Gibain mo ang altar ni Baal na ipinagawa ng iyong ama at putulin mo ang rebulto ni Ashera sa tabi nito. Pagkatapos, magpatung-patong ka ng mga bato sa ibabaw ng burol na ito bilang altar para kay Yahweh na iyong Diyos. Pagputul-putulin mo ang rebulto ni Ashera at gawin mong panggatong sa ibabaw ng altar. Ialay mo roon ang pangalawang toro ng iyong ama bilang handog na sinusunog.” Kaya't isinama ni Gideon ang sampu sa kanyang mga tagapaglingkod at ginawa ang sinabi sa kanya ni Yahweh. Gabi nang gawin niya ito sapagkat natatakot siya sa kanyang pamilya at sa mga taong-bayan. Kinabukasan ng madaling-araw, nakita na lamang ng mga tao na wasak na ang altar ni Baal at putul-putol na ang rebulto ni Ashera na ipinanggatong sa pangalawang toro na sinunog sa altar na itinayo roon. Nagtanungan sila, “Sino kaya ang may kagagawan nito?” Nagsiyasat sila at nalaman nilang si Gideon na anak ni Joas ang may kagagawan niyon. Sinabi ng mga taong-bayan kay Joas, “Ilabas mo rito ang anak mo at papatayin namin. Giniba niya ang altar ni Baal at pinagputul-putol ang rebulto ni Ashera sa tabi ng altar.” Sumagot si Joas, “Ipinaglalaban ba ninyo si Baal? Ipinagtatanggol n'yo ba siya? Sinumang makipaglaban para sa kanya ay papatayin bago mag-umaga. Kung siya'y talagang diyos, hayaan ninyong ipagtanggol niya ang kanyang sarili. Di ba't kanyang altar ang giniba?” Mula noon, si Gideon ay tinaguriang Jerubaal dahil sa sinabi ni Joas na, “Hayaan ninyong ipagtanggol ni Baal ang kanyang sarili. Hindi ba't sa kanya naman ang altar na giniba?” Ang mga Midianita, Amalekita, at iba pang mga lipi sa silangan ay sama-samang tumawid sa Ilog Jordan at nagkampo sa Libis ng Jezreel. Lumukob kay Gideon ang Espiritu ni Yahweh; hinipan niya ang trumpeta bilang hudyat na sumunod sa kanya ang mga kalalakihan ng angkan ni Abiezer. Nagpadala siya ng mga sugo sa buong nasasakupan ng mga lipi nina Manases, Asher, Zebulun at Neftali upang makiisa sa kanya ang mga liping ito. Nagpasya namang sumama ang mga ito kay Gideon. Sinabi ni Gideon sa Diyos, “Sinabi ninyo sa akin na ako ang gagamitin ninyo upang iligtas ang Israel. Dahil dito, maglalatag ako ng isang lana sa giikan ng trigo. Kapag nabasa ito ng hamog ngunit tuyo ang paligid, ako nga ang gagamitin ninyo upang iligtas ang Israel.” Ganoon nga ang ginawa ni Gideon. Kinabukasan ng umaga, kinuha niya ang lanang inilatag sa giikan, at nang pigain niya ito, napuno niya ng tubig ang isang mangkok. Sinabi ni Gideon sa Diyos, “Huwag po kayong magagalit sa akin. Mayroon pa po akong isang hihilingin. Nais ko pong matuyo naman itong lana at mabasa ng hamog ang lupa sa paligid.” Kinagabihan, ginawa nga iyon ng Diyos. Tuyo ang lana ngunit basa ng hamog ang lupa sa paligid nito. Si Gideon ay tinatawag ding Jerubaal. Isang araw, maagang bumangon si Gideon at ang kanyang mga tauhan at nagkampo sila sa may Bukal ng Harod. Samantala, ang mga Midianita ay nagkampo sa hilagang kapatagan, sa may Burol ng More. Sinabi ni Yahweh kay Gideon, “Sobrang dami ng mga tauhan mo para pagtagumpayin ko kayo laban sa mga Midianita. Baka akalain nilang sarili nila ang nakatalo sa mga Midianita at hindi dahil sa tulong ko. Kaya, sabihin mo sa taong-bayan na ang lahat ng natatakot ay maaari nang umuwi.” Nang sabihin ito ni Gideon, umuwi ang 22,000 ngunit 10,000 pa ang naiwan. Sinabi muli ni Yahweh kay Gideon, “Napakarami pa ring natira. Isama mo sila sa tabi ng batis at bibigyan ko sila roon ng pagsubok. Doon ko sasabihin kung sino ang dapat mong isama at kung sino ang hindi.” Ganoon nga ang ginawa ni Gideon. Pagdating nila sa batis, sinabi ni Yahweh, “Ibukod mo ang lahat ng umiinom na parang aso. Ibukod mo rin ang mga nakaluhod habang umiinom.” Ang sumalok ng tubig sa pamamagitan ng kamay upang uminom ay tatlong daan at ang iba'y lumuhod upang uminom. Sinabi ni Yahweh kay Gideon, “Ang tatlong daang sumalok sa pag-inom ang isasama mo upang pagtagumpayin ko kayo at gapiin ang mga Midianita. Ang iba nama'y pauwiin mo na.” Kaya't pinauwi na ni Gideon ang lahat ng mga Israelita maliban sa tatlong daan. Iniwan sa mga ito ang lahat ng banga at ang mga trumpeta. Ang kampo ng mga Midianita ay nasa libis sa gawing ibaba nila. Kinagabihan, sinabi ni Yahweh kay Gideon, “Lusubin na ninyo ang kampo ng mga Midianita sapagkat ibinigay ko na sila sa inyong kamay! Kung nag-aalinlangan ka pa hanggang ngayon, pumunta ka sa kampo kasama ang tagapaglingkod mong si Pura. Tiyak na lalakas ang loob mo kapag narinig mo ang kanilang usapan.” Kaya't si Gideon at si Pura ay palihim na nagpunta sa may kampo ng mga Midianita. Ang mga Midianita, pati ang mga Amalekita at mga tribo sa paligid ay naglipana sa kapatagan na parang mga balang sa dami. Ang kanilang mga kamelyo naman ay sindami ng buhangin sa dagat. Nang malapit na sina Gideon, may narinig silang nag-uusap. Ang sabi ng isa, “Napanaginipan kong may isang tinapay na sebadang gumulong sa ating kampo. Nagulungan daw ang tolda at ito'y bumagsak.” Sagot naman ng isa, “Iyon ay walang iba kundi ang tabak ng Israelitang si Gideon na anak ni Joas. Ang Midian at ang buong hukbo ay ibinigay na ng Diyos sa kanyang kamay.” Nang marinig ni Gideon ang panaginip at ang kahulugan nito, lumuhod siya at nagpuri sa Diyos. Pagkatapos, nagbalik siya sa kampo ng mga Israelita at sinabi sa kanila, “Bumangon na kayo! Ibinigay na ni Yahweh sa inyong mga kamay ang mga Midianita!” Pinagtatlong pangkat niya ang kanyang tatlong daang tauhan. Bawat isa'y binigyan niya ng trumpeta at banga na may sulo sa loob. Sinabi niya sa kanila, “Kapag malapit na ako sa kanilang kampo, tumingin kayo sa akin at gawin ninyo ang gagawin ko. Kapag narinig ninyong hinihipan ko at ng aking pangkat ang aming mga trumpeta, hipan na rin ninyo ang inyong trumpeta sa palibot ng kampo, at sumigaw kayo ng, ‘Para kay Yahweh at para kay Gideon!’” Maghahating-gabi na. Halos kapapalit pa lamang ng pangkat ng tanod nang sina Gideon ay makalapit sa kampo ng mga Midianita. Hinipan nila ang kanilang mga trumpeta sabay basag sa mga dala nilang banga. Ganoon din ang ginawa ng dalawang pangkat. Hawak ng kanilang kaliwang kamay ang sulo at nasa kanan naman ang trumpeta habang sumisigaw ng, “Tabak ni Yahweh at ni Gideon!” Bawat isa'y hindi umaalis sa kanyang kinatatayuan sa paligid ng kampo, samantalang nagsisigawan at nagkakanya-kanyang takbuhan ang mga nasa kampo. At habang walang tigil sa pag-ihip ng trumpeta ang tatlong daang Israelita, pinaglaban-laban ni Yahweh ang mga nasa kampo. Kanya-kanya silang takbo tungo sa Cerera hanggang Beth-sita at Abel-mehola, malapit sa Tabata. Ipinatawag ni Gideon ang kalalakihang mula sa mga lipi nina Neftali, Asher at Manases, at ipinahabol sa mga ito ang mga Midianita. Si Gideon ay nagpadala ng mga sugo sa lipi ni Efraim na nakatira sa mga kaburulan. Sinabi niya, “Bumabâ kayo at tugisin ninyo ang mga Midianita. Pabantayan ninyo ang Ilog Jordan at ang mga batis hanggang sa Beth-bara, upang hindi sila makatawid.” Kaya't lahat ng kalalakihan sa lipi ng Efraim ay nagtipon, at ganoon nga ang kanilang ginawa. Sa paghabol nila sa mga Midianita, nabihag nila ang dalawang pinunong sina Oreb at Zeeb. Pinatay nila si Oreb sa Bato ni Oreb at si Zeeb sa pisaan ng ubas ni Zeeb. Pagkatapos, dinala nila ang ulo ng dalawang ito kay Gideon sa ibayo ng Jordan. Pagkatapos, pumunta kay Gideon ang mga kalalakihan ng Efraim. “Bakit mo kami ginanito? Bakit hindi mo kami tinawag bago ninyo lusubin ang mga Midianita?” pagalit nilang tanong. “Ang nagawa ko ay hindi maipapantay sa nagawa ninyo. Ang maliit ninyong nagawa ay higit pa sa nagawa ng angkan namin,” sagot ni Gideon. “Niloob ng Diyos na sa inyong mga kamay mahulog ang dalawang pinunong Midianitang sina Oreb at Zeeb. Alin sa mga nagawa ko ang maipapantay riyan?” Nang marinig nila ito, napawi ang kanilang galit. Si Gideon at ang tatlong daan niyang tauhan ay nakatawid na ng Ilog Jordan. Pagod na pagod na sila ngunit patuloy pa rin nilang hinahabol ang mga Midianita. Nang umabot sila sa Sucot, nakiusap siya sa mga tagaroon, “Maaari po bang bigyan ninyo ng makakain ang aking mga tauhan. Latang-lata na sila sa gutom at hinahabol pa namin ang dalawang hari ng mga Midianita na sina Zeba at Zalmuna.” Ngunit sumagot ang mga taga-Sucot, “Bakit namin kayo bibigyan ng pagkain? Hindi pa naman ninyo nabibihag sina Zeba at Zalmuna.” Dahil dito, sinabi ni Gideon, “Kayo ang bahala. Kapag nahuli na namin sina Zeba at Zalmuna, hahagupitin ko kayo ng latigong tinik na mula sa halamang disyerto.” Pagkasabi nito'y nagtuloy sila sa Penuel at doon humingi ng pagkain. Ngunit ang sagot ng mga tagaroon ay tulad din ng sagot ng mga taga-Sucot. Sinabi niya sa kanila, “Tinitiyak ko sa inyong kami'y matagumpay na makakabalik dito. Pagbalik namin, gigibain ko ang tore ninyo.” Sina Zeba at Zalmuna ay nasa Carcor noon, kasama ang nalalabi nilang kawal na 15,000 sapagkat 120,000 na ang napapatay sa kanila. Dumaan sina Gideon sa gilid ng ilang, sa silangan ng Noba at Jogbeha, saka biglang sumalakay. Tatakas sana sina Zeba at Zalmuna, ngunit nahuli sila nina Gideon. Dahil dito, nataranta ang mga kawal ng dalawang haring Midianita. Nang magbalik sina Gideon mula sa labanan, sa Pasong Heres sila nagdaan. Nakahuli sila ng isang binatang taga-Sucot. Itinanong niya rito kung sinu-sino ang mga opisyal at pinuno ng Sucot, at isa-isa namang isinulat nito. Umabot ng pitumpu't pito ang kanyang naisulat. Pagkatapos, pinuntahan ni Gideon ang mga ito at tinanong, “Natatandaan ba ninyo nang ako'y humingi sa inyo ng pagkain? Sinabi ninyo sa akin na hindi ninyo kami bibigyan ng pagkain hanggang hindi namin nahuhuli sina Zeba at Zalmuna, kahit na noo'y lupaypay na kami sa gutom. Bihag na namin sila ngayon!” At nagpakuha siya ng mga tinikang sanga ng kahoy at sa pamamagitan nito'y pinarusahan ang mga pinuno ng Sucot. Pagkatapos, giniba niya ang tore sa Penuel at pinatay ang mga kalalakihan roon. Pagkaraan, tinanong niya sina Zeba at Zalmuna, “Anong hitsura ng mga lalaking pinatay ninyo sa Tabor?” “Kamukha mo silang lahat, parang mga anak ng hari,” sagot nila. Sinabi ni Gideon, “Sila'y mga kapatid ko at mga anak ng aking ina. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, kung hindi ninyo sila pinatay ay hindi ko rin sana kayo papatayin.” At sinabi niya sa pinakamatanda niyang anak na si Jeter, “Patayin mo sila!” Palibhasa'y bata, natakot itong bumunot ng tabak at pumatay ng tao. Dahil dito, sinabi nina Zeba at Zalmuna kay Gideon, “Bakit hindi ikaw ang pumatay sa amin? Mga tunay na lalaki lamang ang maaaring pumatay ng tao.” Kaya sila'y pinatay ni Gideon at kinuha ang mga palamuti sa leeg ng kanilang mga kamelyo. Pagkatapos nagtipun-tipon ang mga Israelita at sinabi nila kay Gideon, “Ikaw rin lamang ang nagligtas sa amin sa mga Midianita, ikaw na at ang iyong angkan ang maghari sa amin!” Sumagot si Gideon, “Hindi ako ni ang aking mga anak ang dapat maghari sa inyo. Si Yahweh ang dapat maghari sa inyo. Ngunit mayroon akong hihilingin sa inyo: Ibigay ninyo sa akin ang mga hikaw na nasamsam ninyo mula sa kanila.” (Nakahikaw ng ginto ang mga Midianita sapagkat iyon ang ugali ng mga taong taga-disyerto.) Sumagot sila, “Buong puso naming ibibigay sa iyo.” Naglatag sila sa lupa ng isang malapad na damit at inilagay roon ang lahat ng nasamsam nilang hikaw. Nang timbangin nila ang mga hikaw na ginto, ito'y umabot ng animnapung libra, hindi pa kasama ang mga hiyas, kuwintas, at mga kulay ubeng kasuotan ng mga hari ng Midian. Hindi rin kasama roon ang mga palamuti sa leeg ng mga kamelyo. Mula sa gintong nasamsam, si Gideon ay nagpagawa ng isang diyus-diyosan at dinala sa Ofra na kanyang lunsod. Ang mga Israelita'y tumalikod sa Diyos at naglingkod sa diyus-diyosang ipinagawa ni Gideon. Ito ang naging malaking kapulaan kay Gideon at sa kanyang sambahayan. Lubusang natalo ng Israel ang Midian at ito'y hindi na nakabawi. Nagkaroon ng kapayapaan sa Israel sa loob ng apatnapung taon, habang nabubuhay si Gideon. Umuwi si Gideon sa sarili niyang bahay at doon nanirahan. Pitumpu ang kanyang naging anak sapagkat marami siyang asawa. Mayroon pa siyang isang asawang-lingkod sa Shekem na nagkaanak ng isang lalaki na pinangalanan niyang Abimelec. Matandang-matanda na nang mamatay si Gideon na anak ni Joas. Inilibing siya sa libingan ng kanyang ama sa Ofra, ang bayan ng angkan ni Abiezer. Mula nang mamatay si Gideon, ang mga Israelita'y hindi na namuhay nang tapat sa Diyos. Sa halip, naglingkod sila sa mga Baal, at ang kanilang kinilalang diyos ay si Baal-berit. Hindi na sila naglingkod sa Diyos nilang si Yahweh na nagligtas sa kanila sa mga kaaway na nakapalibot sa kanila. Hindi sila tumanaw ng utang na loob sa sambahayan ni Gideon sa lahat ng kabutihang ginawa nito para sa Israel. Paglipas ng panahon, si Abimelec na anak ni Gideon ay nagpunta sa Shekem, sa mga kamag-anak ng kanyang ina. Sinabi niya sa mga ito, “Itanong ninyo sa lahat ng taga-Shekem kung alin ang gusto nila: pamunuan sila ng pitumpung anak ni Gideon o ng iisang tao? At huwag ninyong kalilimutang ako'y dugo ng inyong dugo at laman ng inyong laman.” Ang mga taga-Shekem ay kinausap nga ng mga kamag-anak ng ina ni Abimelec. Pinagkaisahan ng mga ito na siya na ang mamahala sa kanila, sapagkat siya naman ay kamag-anak nila. Binigyan nila si Abimelec ng pitumpung pirasong pilak mula sa kabang-yaman ng templo ni Baal-berit. Ginamit niya ito bilang pambayad sa ilang tao roon na walang magawang magaling at sila'y sumama sa kanya. Nagpunta siya sa Ofra, sa bahay ng kanyang ama at pinatay sa ibabaw ng isang malaking bato ang kanyang pitumpung kapatid sa ama niyang si Gideon. Lahat ay napatay niya liban kay Jotam na siyang pinakabata sapagkat nakapagtago ito. Ang mga taga-Shekem at Bethmilo ay sama-samang nagpunta sa may malaking puno sa Shekem at ginawa nilang hari si Abimelec. Nang mabalitaan ito ni Jotam, tumayo siya sa taluktok ng Bundok ng Gerizim at sumigaw, “Mga taga-Shekem, makinig kayo sa akin upang makinig sa inyo ang Diyos. Isang araw, nag-usap-usap ang mga punongkahoy upang pumili ng hari nila. Sinabi nila sa olibo, ‘Ikaw ang maghari sa amin.’ Sumagot ang olibo, ‘Hindi ko maiiwan ang paggawa ng langis na ginagamit sa pagpaparangal sa mga diyos at sa mga tao para maghari lamang sa inyo.’ Sinabi nila sa igos, ‘Ikaw na ang maghari sa amin.’ Ngunit sumagot ang igos, ‘Hindi ko maaaring itigil ang pagbibigay ng masasarap kong bunga upang pagharian ko lamang kayo.’ Kaya sinabi nila sa ubas, ‘Ikaw na ang maghari sa amin.’ Sumagot ang ubas, ‘Hindi ko maaaring itigil ang pagbibigay ng alak na pampasaya sa mga diyos at sa mga tao upang pagharian ko lamang kayo.’ Kaya, sinabi nila sa halamang matinik, ‘Ikaw na nga ang maghari sa amin.’ Ang sagot ng halamang matinik, ‘Kung talagang gusto ninyo akong maging hari, sumilong kayo sa akin. Kung ayaw ninyong sumilong, magpapalabas ako ng apoy sa aking mga tinik upang sunugin ang mga sedar ng Lebanon.’ “Ngayon,” patuloy ni Jotam, “sang-ayon ba sa inyong malinis na hangarin na ginawa ninyong hari si Abimelec? Iginalang ba ninyo ang alaala ni Gideon, at nilalapastangan ninyo ang kanyang pamilya? Alalahanin ninyong kayo'y ipinaglaban ng aking ama. Itinaya niya ang kanyang buhay upang iligtas kayo sa mga Midianita. Ngunit ngayo'y kinakalaban ninyo ang sambahayan ng aking ama. Pinatay ninyo ang pitumpu niyang anak sa ibabaw ng isang bato at si Abimelec na anak niya sa kanyang aliping babae ang ginawa ninyong hari sapagkat kamag-anak ninyo. Kung iyan ang inaakala ninyong dapat iganti sa kabutihan sa inyo ni Gideon at sa kanyang sambahayan, ipagpatuloy ninyo. Magpakaligaya kayo, pati si Abimelec. Ngunit kung hindi, sana'y sumiklab ang apoy mula kay Abimelec at tupukin ang mga lalaki ng Shekem at Bethmilo. Sumiklab sana ang apoy mula sa mga lalaki ng Shekem at Bethmilo at sunugin si Abimelec.” Pagkasabi nito'y patakbong umalis si Jotam at nagtago sa Beer dahil sa takot sa kapatid niyang si Abimelec. Tatlong taóng pinamunuan ni Abimelec ang Israel. Ngunit nagpadala ang Diyos ng espiritu ng hidwaan sa mga taga-Shekem at kay Abimelec. Dahil dito, naghimagsik ang mga kalalakihan ng Shekem laban kay Abimelec. Nangyari ito upang pagbayarin si Abimelec at ang mga nagsulsol sa kanya na patayin ang pitumpung anak ni Gideon. Ang mga taga-Shekem ay naglagay ng mga tauhan upang tambangan sa bundok si Abimelec. Hinaharang nila ang lahat ng magdaan doon. Nabalitaan ito ni Abimelec. Noon, si Gaal na anak ni Ebed ay nagpunta sa Shekem, kasama ang kanyang mga kapatid. Nagtiwala naman sa kanya ang mga tagaroon. Namitas sila ng ubas, ginawa itong alak, at sila'y nagpista. Sa kainitan ng pista ay pumasok sila sa templo ng kanilang diyus-diyosan. Kumain sila roon at nag-inuman habang patuloy na kinukutya si Abimelec. Sinabi ni Gaal, “Bakit ba tayo pasasakop kay Abimelec? Sino siya kung ihahambing sa mga taga-Shekem? Hindi ba anak lamang siya ni Gideon? At pati si Zebul ay sunud-sunuran sa kanya! Bakit nga tayo pasasakop sa kanya? Ibangon ninyo ang karangalan ng ninuno ninyong si Hamor. Kung ako ang mamumuno sa inyo, tiyak na matatalo natin siya. Sasabihin ko sa kanyang ilabas na niya ang buo niyang hukbo at maglaban kami.” Nabalitaan ni Zebul na tagapamahala ng lunsod ang pinagsasabi ni Gaal, kaya't ito'y nagalit. Nagsugo siya kay Abimelec sa Aruma at ipinasabi, “Si Gaal at ang kanyang mga kamag-anak ay narito sa Shekem. Pinag-aalsa nila ang mga taga-Shekem laban sa iyo. Kaya mamayang gabi, isama mo ang iyong mga tauhan. Magtago muna kayo sa labas ng lunsod. Bukas, pagsikat ng araw, bigla kayong sumalakay. Kapag lumaban sila Gaal, gawin mo na sa kanya ang gusto mo.” Kaya't lumakad si Abimelec at ang kanyang mga tauhan. Sila'y nag-apat na pangkat at nagtago muna sa labas ng Shekem. Kinaumagahan, tumayo si Gaal sa may pagpasok ng lunsod. Sina Abimelec naman ay lumabas sa kanilang pinagtataguan. Nang makita sila ni Gaal, sinabi nito kay Zebul, “May mga taong nanggagaling sa kabundukan.” Sumagot si Zebul, “Anino lamang ng bundok ang nakikita mo. Ang tingin mo lang ay tao.” Sinabi uli ni Gaal, “May mga taong bumababa sa may burol. May isang pangkat pang nagmumula sa may sagradong puno ng ensina.” Sinabi na sa kanya ni Zebul, “Tingnan ko ngayon ang yabang mo. Di ba't itinatanong mo kung sino si Abimelec para sumakop sa atin? Sila na iyon. Bakit di mo sila labanan?” Tinipon nga ni Gaal ang mga taga-Shekem at hinarap sina Abimelec. Ngunit natalo siya kaya napilitang tumakas. Hinabol siya ni Abimelec at marami ang nabuwal na sugatan hanggang sa may pagpasok ng lunsod. Nagbalik na sa Aruma si Abimelec. Si Gaal naman at ang natitira pa niyang kamag-anak ay pinalayas ni Zebul sa Shekem at pinagsabihang huwag nang magbalik. Kinabukasan, ang mga taga-Shekem ay lumabas ng bukid at ito'y nalaman ni Abimelec. Pinagtatlong pangkat niya ang kanyang mga tauhan at sila'y nag-abang. Nang makita nila ang mga taga-Shekem, pinatay nila ang mga ito. Ang pangkat ni Abimelec ay nagmamalaking nagpunta sa pagpasok ng lunsod upang magbantay samantalang pinapatay ng dalawang pangkat ang mga tao sa kabukiran. Sina Abimelec ay maghapong nakipaglaban sa mga taga-Shekem bago nila naubos ang mga tagaroon at nasakop ang lunsod. Pagkatapos, iginuho nila ang buong lunsod at sinabugan ng makapal na asin ang lupa. Nang mabalitaan ito ng mga nakatira sa kastilyo sa Shekem, nagtago sila sa templo ni Baal-berit. Nalaman ito ni Abimelec, kaya't isinama niya sa Bundok Zalmon ang kanyang mga tauhan. Pagdating doon, pumutol siya ng mga sanga ng kahoy at pinasan. Lahat ng tauhan niya'y pinakuha rin niya ng mga sanga ng kahoy. Nagkanya-kanya sila ng pasan at sumunod kay Abimelec. Ang mga ito'y itinambak nila sa ibaba ng tore at sinunog. Namatay lahat ang nasa loob nitong may sanlibong katao, pati mga babae. Pagkatapos, sina Abimelec ay nagtuloy sa Tebez at sinakop iyon. May matibay na tore doon na pinagtataguan ng mga taga-Tebez. Nang makapasok na ang lahat, sinarhan nila ang daan at sila'y umakyat hanggang sa tuktok ng tore. Sinundan sila ni Abimelec at susunugin na sana ang tore, ngunit siya'y binagsakan ng malaking bato ng isang babaing naroon at nabasag ang kanyang bungo. Kaya't dali-dali niyang tinawag ang kanyang lingkod at sinabi, “Patayin mo ako ng iyong tabak para hindi nila sabihing babae ang nakapatay sa akin.” Kaya, siya'y sinaksak ng kanyang lingkod at namatay. Nang malaman ng mga Israelita na patay na si Abimelec, nag-uwian na sila sa kanya-kanyang tahanan. Sa ganitong paraan, si Abimelec ay siningil ng Diyos dahil sa pagpatay sa pitumpu niyang kapatid. Pinagdusa rin ng Diyos ang mga taga-Shekem, tulad ng sumpa sa kanila ni Jotam na anak ni Gideon. Pagkamatay ni Abimelec, si Tola na anak ni Pua at apo ni Dodo, buhat sa lipi ni Isacar ang nagligtas sa Israel sa pagkaalipin. Tumira siya sa Samir, sa kaburulan ng Efraim. Dalawampu't tatlong taon siyang naging hukom at pinuno ng Israel, at nang mamatay ay inilibing sa Samir. Ang pumalit kay Tola ay si Jair na taga-Gilead at siya'y naging hukom at pinuno ng Israel nang dalawampu't dalawang taon. Tatlumpu ang kanyang anak at may kanya-kanyang asno. Sa Gilead ay may tatlumpung lunsod na ang tawag ay Mga Nayon ni Jair. Namatay siya at inilibing sa Camon. Ang mga Israelita'y muling gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh sapagkat sila'y sumamba sa mga Baal at mga Astarot, mga diyus-diyosan ng mga taga-Aram, Sidon, Moab, Ammon at Filisteo. Dahil dito, nagalit sa kanila si Yahweh at hinayaan silang masakop ng mga Ammonita at mga Filisteo. At sa loob ng labing-walong taon, pinahirapan sila ng mga ito sa Gilead, sa silangan ng Ilog Jordan. Sinalakay rin ng mga Ammonita ang mga nasa ibayo ng Ilog Jordan: ang mga lipi nina Juda, Benjamin at Efraim. Kaya't lubhang nahirapan ang Israel. Dumulog kay Yahweh ang mga Israelita at kanilang sinabi, “Nagkasala kami sa inyo, sapagkat tumalikod kami sa aming Diyos at sumamba sa mga Baal.” Ang sagot sa kanila ni Yahweh, “Nang kayo'y pahirapan ng mga Egipcio, Amoreo, Ammonita, Filisteo, Sidonio, Amalekita at mga Maonita, humingi kayo ng saklolo sa akin at iniligtas ko naman kayo. Ngunit tinalikuran ninyo ako at sumamba kayo sa mga diyus-diyosan. Kaya hindi ko na kayo muling ililigtas. Sa inyong mga diyus-diyosan kayo humingi ng tulong sa panahon ng inyong kagipitan!” Kaya't sinabi ng mga Israelita kay Yahweh, “Nagkasala nga po kami at gawin ninyo sa amin ang nais ninyong gawin, iligtas lamang ninyo kami ngayon.” Nang araw ring iyon, inalis nila ang kanilang mga diyus-diyosan at muling naglingkod kay Yahweh. Kaya't nabagbag ang kalooban ni Yahweh dahil sa paghihirap ng Israel. Dumating ang araw na naghanda sa pakikidigma ang mga Ammonita laban sa mga Israelita. Ang mga Ammonita ay nagkampo sa Gilead; sa Mizpa naman ang mga Israelita. Nag-usap ang mga taga-Gilead at lahat ng tagaroon, “Kung sino ang mangunguna sa atin sa pakikipaglaban sa mga Ammonita ay siya nating kikilalaning pinuno ng buong Gilead.” Si Jefta na taga-Gilead ay isang matapang na mandirigma. Si Gilead ang kanyang ama at ang ina niya'y isang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw. May iba pang anak si Gilead sa kanyang tunay na asawa, at nang lumaki ang mga ito ay pinalayas nila si Jefta. Sinabi nila, “Wala kang mamanahin mula sa aming ama sapagkat ikaw ay anak sa labas.” Kaya, umalis si Jefta at nanirahan sa Tob. Doon ay nagbuo siya ng pangkat ng mga taong itinakwil din ng lipunan at sama-sama sila sa pandarambong. Pagkalipas ng ilang panahon, nilusob ng mga Ammonita ang Israel. Dahil dito, si Jefta ay ipinasundo mula sa lupain ng Tob ng mga pinuno ng Gilead. Sinabi nila, “Ikaw ang manguna sa amin sa pakikipaglaban sa mga Ammonita.” Sumagot si Jefta, “Hindi ba't nasusuklam kayo sa akin kaya ninyo ako pinaalis sa Gilead? Bakit lalapitan ninyo ako ngayong nahaharap kayo sa panganib?” Ngunit sinabi nila, “Ikaw ang nilalapitan namin ngayon sapagkat gusto naming makasama ka sa pakikipaglaban sa mga Ammonita. Gusto rin naming ikaw ang mamuno sa Gilead.” Sinabi ni Jefta, “Kapag isinama ninyo ako sa pakikipaglaban sa kanila at niloob ni Yahweh na ako'y magtagumpay, ako ang kikilalanin ninyong pinuno.” Sumagot sila, “Oo, ikaw ang gagawin naming pinuno, saksi natin si Yahweh.” Sumama nga si Jefta sa matatandang pinuno patungong Gilead at ginawa siyang pinuno at tagapamahala ng mga tagaroon. Ipinahayag ni Jefta sa Mizpa sa harapan ni Yahweh ang mga patakaran niya bilang pinuno. Si Jefta ay nagpadala ng mga sugo sa hari ng mga Ammonita at kanyang ipinatanong, “Ano ba ang atraso namin sa inyo? Bakit ninyo nilulusob ang aming bayan?” Ganito ang sagot ng hari ng mga Ammonita sa mga sugo ni Jefta: “Gusto naming maibalik sa amin ang aming lupain, sapagkat nang dumating dito ang mga Israelita buhat sa Egipto, kinamkam nila ang aming lupain mula sa Ilog Arnon hanggang sa Ilog Jabboc at ng Jordan.” Pinabalik ni Jefta ang kanyang mga sugo sa hari ng mga Ammonita at ipinasabi, “Hindi namin kinamkam ang lupain ng Moab o ng Ammon. Nang umalis sa Egipto ang aming mga ninuno, naglakbay sila sa disyerto patungong Dagat na Pula hanggang sa Kades. Pagkatapos, nagpadala sila ng mga sugo sa hari ng Edom upang humingi ng pahintulot na dumaan sa lupaing ito, ngunit hindi sila pinayagan nito. Ganoon din ang ginawa ng hari ng Moab. Kaya, ipinasya nilang tumigil sa Kades. Nagpatuloy sila sa paglalakbay sa disyerto. Iniwasan nila ang Edom at Moab hanggang sa sumapit sila sa gawing silangan ng Moab, sa ibayo ng Ilog Arnon. Nagkampo sila roon. Hindi sila tumawid ng ilog sapagkat iyon ang hangganan ng Moab. At nagpadala sila ng mga sugo sa Hesbon, kay Haring Sihon ng mga Amoreo, upang humingi ng pahintulot na dumaan sa lupain nito. Ngunit hindi pumayag si Sihon. Sa halip, tinipon nito sa Jahaz ang kanyang hukbo at sinalakay ang mga Israelita. Ngunit sila'y ibinigay ni Yahweh sa kamay ng mga Israelita. Kaya, ang lahat ng lupain ng mga Amoreo sa dakong iyon ay nasakop ng mga Israelita: buhat sa Ilog Arnon, sa timog, hanggang sa Jabboc sa hilaga, at buhat naman sa disyerto, sa silangan hanggang sa Jordan, sa kanluran. Kaya si Yahweh ang nagtaboy sa mga Amoreo upang ang lupain nila'y tirhan ng mga Israelita. At ngayo'y gusto ninyo itong kunin? Inyo nang lahat ang ibinigay sa inyo ng diyus-diyosan ninyong si Cemos ngunit huwag ninyong papakialaman ang ibinigay sa amin ni Yahweh na aming Diyos. Sa palagay mo ba'y mas magaling ka kaysa kay Balac na hari ng Moab? Ni minsa'y hindi niya tinangkang digmain ang Israel. Tatlong daang taon nang naninirahan ang mga Israelita sa Hesbon, Aroer, sa mga bayan sa paligid nito, at sa mga lunsod sa palibot ng Ilog Arnon. Bakit ngayon lamang ninyo naisipang bawiin ang mga ito? Wala akong kasalanan sa iyo, ikaw itong may kasalanan sa akin dahil sinasalakay mo ako. Si Yahweh, ang Hukom, ang magpapasya ngayon sa Israel at Ammon.” Ngunit ang pasabing ito ni Jefta ay hindi pinansin ng hari ng mga Ammonita. Ang Espiritu ni Yahweh ay lumukob kay Jefta. Tinipon niya ang mga tao sa Gilead at Manases, pagkatapos ay nagbalik sa Mizpa, Gilead at saka nagtuloy upang salakayin ang mga Ammonita. Sumumpa si Jefta kay Yahweh ng ganito: “Kapag pinagtagumpay ninyo ako laban sa mga Ammonita, susunugin ko bilang handog sa inyo ang unang lalabas sa aking bahay at sasalubong sa akin pag-uwi ko.” Sinalakay nga ni Jefta ang mga Ammonita at pinagtagumpay siya ni Yahweh. Nagapi nila ang mga kalaban at nasakop ang dalawampung lunsod mula sa Aroer, sa palibot ng Minit hanggang sa Abelqueramim. Marami silang napatay na Ammonita. Nang magbalik si Jefta sa Mizpa, sinalubong siya ng anak niyang babae na sumasayaw sa saliw ng tamburin. Siya ang kaisa-isang anak ni Jefta. Nang makita siya ni Jefta, pinunit niya ang kanyang damit at buong paghihinagpis na sinabi, “Anak ko, kay bigat na bagay nitong ginawa mo sa akin ngayon. Ang panata ko kay Yahweh ay hindi ko na mababawi pa!” Sumagot ang anak ni Jefta, “Kung may panata kayo kay Yahweh, tuparin ninyo iyon sapagkat ipinaghiganti niya kayo laban sa inyong mga kaaway na mga Ammonita. Ngunit may isa lamang po akong ipapakiusap sa inyo: bayaan ninyong isama ko sa bundok ang aking mga kaibigan upang ipagluksa ko nang dalawang buwan ang aking pagkabirhen.” Pumayag naman si Jefta na umalis ng dalawang buwan ang anak niya. Nagpunta nga ito sa bundok, kasama ang kanyang mga kaibigan upang ipagluksa ang kanyang pagkabirhen sapagkat mamamatay siya nang hindi makakapag-asawa. Pagkaraan ng dalawang buwan, nagbalik siya sa kanyang ama at isinagawa naman nito ang kanyang panata kay Yahweh. At siya nga'y namatay na isang birhen. Mula noon, naging kaugalian na sa Israel na taun-taon ay apat na araw na ipagluksa ng mga kababaihan ang dalagang anak ni Jefta. Ang mga kalalakihan ng Efraim ay tinipon upang makipagdigma. Sama-sama silang tumawid ng Ilog Jordan at nagpunta sa Zafon upang kalabanin si Jefta. Itinanong nila sa kanya, “Bakit hindi mo kami tinawag bago ka nakipagdigma sa mga taga-Ammon? Dahil sa ginawa mong iyan, susunugin namin ang bahay mo at itatambak ka namin doon.” Sumagot si Jefta, “Kami at ang mga Ammonita ay nagkaroon ng matinding alitan. Humingi kami ng tulong sa inyo ngunit hindi ninyo kami pinansin. Kaya, itinaya ko na ang buhay ko sa pakikipagdigma sa kanila. Pinagtagumpay naman ako ni Yahweh. Bakit gusto ninyo akong salakayin ngayon?” Tinipon ni Jefta ang kanyang mga tauhan at nilabanan ang mga taga-Efraim sapagkat sinabi ng mga ito, “Kayong mga taga-Gilead, mga takas lang kayo mula sa Efraim! Nakikitira lang kayo sa Efraim at Manases!” Ang mga taga-Efraim ay tinalo ng mga taga-Gilead. Binantayan nila ang mga lugar ng Ilog Jordan na maaaring tawiran ng tao upang hindi makatawid ang mga taga-Efraim. Ang sinumang nais tumawid ay tinatanong nila kung taga-Efraim. Kapag sumagot ng, “Hindi,” ipinapasabi nila ang salitang, “Shibolet.” Kung hindi ito mabigkas nang tama at sa halip ay sinasabing, “Sibolet,” papatayin nila ito sa may tawiran ng Ilog Jordan. At nang panahong iyon, umabot sa 42,000 taga-Efraim ang kanilang napatay. Si Jefta ay anim na taóng naging hukom at pinuno ng Israel. Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa kanyang sariling bayan sa Gilead. Nang mamatay si Jefta, si Ibzan na taga-Bethlehem naman ang naging hukom at pinuno ng Israel. Animnapu ang kanyang anak: tatlumpung lalaki at tatlumpung babae. Ang pinili niyang maging asawa ng kanyang mga anak ay pawang di kabilang sa kanilang angkan. Pitong taon siyang naging hukom at pinuno ng Israel. Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa Bethlehem. Nang mamatay si Ibzan, si Elon na taga-Zebulun naman ang naging hukom at pinuno ng Israel sa loob ng sampung taon. Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa Ayalon, sakop ng Zebulun. Pagkatapos, ang sumunod na naging hukom at pinuno ng Israel ay si Abdon na anak ni Hillel na taga-Piraton. Ang mga anak niyang lalaki ay apatnapu at siya'y may tatlumpung apo; bawat isa sa kanila'y may sari-sariling asno. Siya ay naging hukom at pinuno ng Israel sa loob ng walong taon. Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa Piraton, sakop ng Efraim, sa kaburulang sakop ng mga Amalekita. Muling gumawa ng kasamaan ang mga Israelita laban kay Yahweh kaya sila'y hinayaan niyang masakop ng mga Filisteo sa loob ng apatnapung taon. Nang panahong iyon, sa bayan ng Zora ay may isang lalaking nagngangalang Manoa na kabilang sa lipi ni Dan. Ang asawa niya ay hindi magkaanak sapagkat ito'y baog. Minsan, nagpakita sa babae ang anghel ni Yahweh at sinabi, “Hindi ka pa nagkakaanak. Ngunit hindi magtatagal, maglilihi ka at manganganak. Kaya, mula ngayon ay huwag kang iinom ng anumang uri ng alak ni titikim ng anumang ipinagbabawal na pagkain. Kapag naisilang mo na ang iyong anak na lalaki, huwag mo siyang puputulan ng buhok sapagkat mula pa sa kanyang pagsilang ay ilalaan na siya sa Diyos bilang isang Nazareo. Siya ang magsisimulang magligtas sa Israel mula sa mga Filisteo.” Lumapit ang babae sa kanyang asawa at sinabi, “Nagpakita sa akin ang isang lingkod ng Diyos, at ang hitsura niya'y kakila-kilabot na parang anghel ng Diyos. Hindi ko tinanong kung saan siya galing at hindi naman niya sinabi kung sino siya. Huwag daw akong iinom ng alak ni titikim ng anumang ipinagbabawal na pagkain sapagkat ang sanggol na isisilang ko'y ilalaan sa Diyos bilang isang Nazareo.” Dahil dito, nanalangin si Manoa, “Yahweh, kung maaari'y pabalikin ninyo sa amin ang nasabing lingkod ng Diyos upang sabihin ang lahat ng nararapat naming gawin sa magiging anak namin.” Tinugon naman ni Yahweh ang kahilingan ni Manoa. Nagpakita muli ang anghel sa asawa ni Manoa nang ito'y nag-iisang nakaupo sa bukid. Dali-dali niyang hinanap ang kanyang asawa at sinabi, “Manoa, halika! Naritong muli ang lalaking nagpakita sa akin noong isang araw.” Sumunod naman si Manoa. Nang makita niya ang lalaki, tinanong niya ito, “Kayo po ba ang nakausap ng aking asawa?” “Oo,” sagot nito. “Kung magkakatotoo ang sinabi ninyo, ano ang magiging buhay ng bata at ano ang dapat niyang gawin?” tanong ni Manoa. Sumagot ang anghel ni Yahweh, “Kailangang sundin ng asawa mo ang lahat ng sinabi ko sa kanya. Huwag siyang kakain ng anumang mula sa puno ng ubas. Huwag rin siyang iinom ng anumang uri ng alak ni titikim ng anumang ipinagbabawal na pagkain. Kailangan niyang sundin ang lahat ng sinabi ko sa kanya.” “Huwag po muna kayong aalis at ipagluluto ko kayo ng isang batang kambing,” pakiusap ni Manoa. “Huwag mo na akong ipaghanda at hindi ko naman kakainin. Kung gusto mo, sunugin mo na lamang ang kambing na iyon bilang handog kay Yahweh,” sagot ng anghel. Hindi alam ni Manoa na anghel pala ni Yahweh ang kausap niya. Sinabi ni Manoa, “Kung gayo'y sabihin man lang ninyo sa amin ang inyong pangalan para malaman namin kung sino ang pasasalamatan namin sa sandaling magkatotoo itong sinasabi ninyo.” Sinabi ng anghel ni Yahweh, “Bakit gusto pa ninyong malaman ang aking pangalan? Ito'y kamangha-manghang pangalan.” Noon din, si Manoa'y kumuha ng kambing at handog na pagkaing butil. Sinunog niya ang mga ito sa ibabaw ng isang malaking bato bilang handog kay Yahweh, na gumagawa ng kababalaghan. Nang nagliliyab na ang apoy, nakita ng mag-asawang Manoa na ang anghel ay umakyat sa langit sa pamamagitan ng apoy. Nagpatirapa ang mag-asawa, sapagkat noon nila naunawaan na ang nakausap pala nila'y isang anghel ni Yahweh. Hindi na nila muling nakita ang anghel. Makalipas ang ilang sandali, sinabi ni Manoa sa kanyang asawa, “Tiyak na mamamatay tayo sapagkat nakita natin ang Diyos.” Ngunit ang sagot ng kanyang asawa, “Kung papatayin tayo ni Yahweh, hindi sana niya tinanggap ang ating handog. Hindi rin sana niya pinahintulutang masaksihan natin ang lahat ng ito, ni sabihin ang mga narinig natin.” Dumating ang araw at nanganak ang asawa ni Manoa. Lalaki ang sanggol at pinangalanan nilang Samson. Lumaki ang batang patuloy na pinagpapala ni Yahweh. At nagsimulang udyukan ng Espiritu ni Yahweh si Samson at siya'y pinakilos nito sa kampo ng Dan na nasa pagitan ng Zora at ng Estaol. Minsan, nagpunta si Samson sa Timna at nakakita siya roon ng isang dalagang Filistea. Nang siya'y umuwi, sinabi niya sa kanyang mga magulang, “Mayroon po akong nakitang isang dalagang Filistea sa Timna. Kunin po ninyo siya para sa akin. Gusto ko siyang mapangasawa.” “Bakit naman gusto mo pang sa angkan ng mga hindi tuling iyon ka pipili ng mapapangasawa? Wala ka bang mapili sa ating angkan, sa ating mga kababayan?” tanong ng mga ito. Sumagot si Samson, “Basta siya po ang gusto kong mapangasawa.” Hindi alam ng mga magulang ni Samson na ang ginagawa niya ay kalooban ni Yahweh upang bigyan ito ng pagkakataong digmain ang mga Filisteo. Ang Israel noon ay nasasakop ng mga Filisteo. Pumunta si Samson sa Timna kasama ang kanyang mga magulang. Habang dumaraan sa isang ubasan, may isang batang leon na umungal kay Samson. Kaya't pinalakas siya ng Espiritu ni Yahweh at pinatay niya sa pamamagitan lamang ng kanyang mga kamay ang leon na para lamang isang batang kambing. Ngunit hindi niya ito ipinaalam sa kanyang mga magulang. Pagkatapos ay pinuntahan ni Samson ang dalaga at kinausap. Lalo niya itong nagustuhan. Pagkalipas ng ilang araw, nagbalik siya upang pakasalan na ang babae. Pagdating niya sa pinagpatayan niya ng leon, naisipan niyang tingnan ito. Ang nakita niya'y isang malaking bahay ng pukyutan sa loob ng katawan ng napatay niyang leon. Sinalok niya ng kanyang mga kamay ang pulot at kinain saka nagpatuloy sa kanyang lakad. Pagbalik niya, inuwian pa niya ng pulot ang kanyang mga magulang. Kinain naman nila ito, ngunit hindi alam kung saan galing. Hindi sinabi ni Samson na iyon ay galing sa bangkay ng napatay niyang leon. Pumunta ang ama ni Samson sa bahay ng kanyang mapapangasawa. Tulad ng kaugalian ng mga binata noon, naghanda si Samson doon ng salu-salo. Nang makita siya ng mga Filisteo, siya'y binigyan nila ng tatlumpung abay na kabataang lalaki. Naisipan ni Samson na sila'y bigyan ng palaisipan. Ang sabi niya, “Mayroon akong bugtong. Kapag nahulaan ninyo bago matapos ang pitong araw na handaan, bibigyan ko kayo ng tatlumpung piraso ng pinong lino at tatlumpung magagarang damit. Ngunit kung hindi ninyo ito mahulaan, ako naman ang bibigyan ninyo ng tatlumpung pinong lino at tatlumpung magagarang damit.” Sumagot sila, “Payag kami.” Sinabi ni Samson, “Mula sa kumakain ay lumabas ang pagkain; at mula sa malakas, matamis ay lumabas.” Tatlong araw na ang nakararaa'y hindi pa nila ito mahulaan. Nang ikaapat na araw, sinabi nila sa asawa ni Samson, “Suyuin mo ang iyong asawa para malaman namin ang sagot sa bugtong niya. Kung hindi, susunugin ka namin at ang iyong pamilya. Inanyayahan ba ninyo kami para mamulubi?” Kaya, lumapit ang babae kay Samson at lumuluhang sinabi, “Hindi mo ako mahal. Nagpapahula ka ng bugtong sa aking mga kaibigan ngunit hindi mo sinasabi sa akin ang sagot.” Sumagot si Samson, “Kung sa aking mga magulang ay hindi ko ito ipinaalam, sa iyo pa?” Ang babae'y patuloy sa pag-iyak at panunuyo kay Samson sa loob ng pitong araw nilang handaan. Kaya, nang ikapitong araw, sinabi rin niya ang sagot sa bugtong dahil sa kakulitan nito. Ang sinabi ni Samson ay sinabi naman nito sa kanyang mga kaibigan. At bago dumilim nang ikapitong araw, ang mga taga-Timna ay nagpunta kay Samson at kanilang sinabi, “May tatamis pa ba sa pulot-pukyutan? At may lalakas pa ba sa leon?” Sinabi sa kanila ni Samson, “Kung ang aking asawa'y di ninyo tinakot, hindi sana nalaman ang tamang sagot.” At si Samson ay pinalakas ng Espiritu ni Yahweh. Nagpunta siya sa Ashkelon at pumatay ng tatlumpung kalalakihan. Kinuha niya ang magagarang kasuotan ng mga ito at ibinigay sa mga nakasagot sa kanyang bugtong. Pagkatapos, umuwi siyang galit na galit dahil sa nangyari. At ang asawa naman niya'y ibinigay sa pangunahing abay na lalaki. Hindi nagtagal at dumating ang panahon ng anihan. Dala ang isang batang kambing, dinalaw ni Samson ang kanyang asawa, ngunit ayaw siyang papasukin ng biyenan niyang lalaki. Sa halip ay sinabi, “Akala ko'y galit na galit ka sa kanya, kaya ibinigay ko siya sa kaibigan mo. Ngunit kung gusto mo, nariyan ang mas batang kapatid niya at mas maganda pa sa kanya. Maaari mo na siyang kunin.” Sumagot si Samson, “Sa ginawa ninyong iyan, hindi ninyo ako maaaring sisihin sa gagawin ko sa inyong mga Filisteo.” Umalis si Samson at humuli ng tatlong daang asong-gubat. Pinagtatali niya ang mga ito sa buntot nang dala-dalawa at kinabitan ng sulo. Pagkatapos ay sinindihan niya ang sulo at pinakawalan sa triguhan ang mga asong-gubat. Kaya nasunog lahat ang trigo, hindi lamang ang mga naani na kundi pati iyong hindi pa naaani. Ganoon din ang ginawa niya sa taniman ng olibo. Ipinagtanong ng mga Filisteo kung sino ang may kagagawan niyon, at nalaman nilang si Samson, sapagkat ibinigay ng biyenan niyang taga-Timna ang kanyang asawa sa kasamahan ni Samson. Kaya't pinuntahan nila ang babae at sinunog siya pati ang ama nito. Sinabi ni Samson sa mga Filisteo, “Dahil sa ginawa ninyong ito sa akin, hindi ako titigil hangga't hindi ako nakakaganti sa inyo.” Sila'y sinalakay niya at marami ang kanyang napatay. Pagkatapos, umalis siya at tumira muna sa yungib ng Etam. Isang araw, kinubkob ng mga Filisteo ang Juda at sinalakay ang bayan ng Lehi. Nagtanong ang mga taga-Juda, “Bakit ninyo kami sinasalakay?” “Upang hulihin si Samson at gawin sa kanya ang ginawa niya sa amin,” sagot nila. Kaya't ang tatlong libong kalalakihan ng Juda ay nagpunta sa yungib sa Etam. Tinanong nila si Samson, “Hindi mo ba alam na tayo'y sakop ng mga Filisteo? Bakit mo ginawa ito sa kanila? Pati kami'y nadadamay!” “Ginantihan ko lang sila sa ginawa nila sa akin,” sagot niya. Sinabi nila, “Naparito kami para gapusin ka! Isusuko ka namin sa mga Filisteo.” Sumagot si Samson, “Payag ako kung ipapangako ninyong hindi ninyo ako papatayin.” Sinabi nila, “Hindi ka namin papatayin. Gagapusin ka lang namin at ibibigay sa kanila.” Kaya't siya'y ginapos nila ng dalawang bagong lubid at inilabas sa yungib. Pagdating nila sa Lehi, sinalubong sila ng naghihiyawang mga Filisteo. Ngunit si Samson ay pinalakas ng Espiritu ni Yahweh at ang kanyang gapos ay pinatid niya na para lamang nasusunog na sinulid. May nakita siyang panga ng asno. Dinampot niya ito at siyang ginamit sa pagpatay sa may sanlibong Filisteo. Pagkatapos, umawit siya ng ganito: “Sa pamamagitan ng panga ng asno, pumatay ako ng sanlibo; sa pamamagitan ng panga ng asno, nakabunton ang mga bangkay ng tao.” Pagkatapos, itinapon niya ang panga ng asno; at ang lugar na iyon ay tinawag na Burol ng Panga. Pagkatapos, si Samson ay nakadama ng matinding uhaw. Kaya tumawag siya kay Yahweh at sinabi, “Pinagtagumpay ninyo ako, ngunit ngayo'y mamamatay naman ako sa uhaw at mabibihag ng mga hindi tuling ito.” Kaya't ang Diyos ay nagpabukal ng tubig sa Lehi. Uminom si Samson at nanumbalik ang kanyang lakas. Ang bukal na iyon ay tinawag niyang Bukal ng Tumawag sa Diyos. Naroon pa ito hanggang ngayon. Si Samson ay naging hukom at pinuno ng Israel sa loob ng dalawampung taon, bagama't sakop pa rin ng mga Filisteo ang lupain ng Israel. Minsan, si Samson ay nagpunta sa Gaza. Doo'y may nakilala siyang isang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw. Siya ay nagpalipas ng gabi roon kasama ang babaing ito. Nalaman ng mga Filisteo na siya'y naroon, kaya't pinaligiran nila ang lugar na iyon, at magdamag na nagbantay sa pasukan ng lunsod. Ipinasya nilang magbantay hanggang umaga upang tiyak na mapatay nila si Samson. Ngunit nang hatinggabi na'y pumunta sa pintuang-bayan si Samson, inalis ang mga pangharang, poste at tarangka. Pinasan niya ang mga ito at dinala sa ibabaw ng gulod sa tapat ng Hebron. Pagkatapos nito'y umibig naman si Samson sa isang dalagang nakatira sa libis ng Sorek. Siya ay si Delilah. Ang babaing ito'y nilapitan ng limang pinunong Filisteo at kanilang sinabi, “Suyuin mo si Samson para malaman namin kung ano ang lihim ng kanyang lakas at nang mabihag namin siya. Kapag nagawa mo iyan, bawat isa sa ami'y magbibigay sa iyo ng sanlibo't sandaang pirasong pilak.” Kaya't sinabi ni Delilah kay Samson, “Sabihin mo naman sa akin kung saan nanggagaling ang iyong lakas. Paano ka ba maigagapos at madadaig?” Sumagot si Samson, “Kapag ako'y ginapos ng pitong sariwang yantok, manghihina ako gaya ng karaniwang tao.” Sinabi ito ni Delilah sa mga pinunong Filisteo at siya ay binigyan nila ng pitong sariwang yantok na igagapos kay Samson. Samantala, may ilang Filisteo namang nag-aabang sa kabilang silid. Pagkatapos ay sumigaw si Delilah, “Samson, may dumarating na mga Filisteo!” Ang yantok na iginapos kay Samson ay nilagot nito na para lamang nasusunog na sinulid. Kaya, hindi nila nalaman ang lihim ng kanyang lakas. Dahil dito, sinabi ni Delilah, “Niloloko mo lang pala ako. Kasinungalingan lang ang sinasabi mo sa akin. Sabihin mo naman sa akin kung paano ka talaga maigagapos.” Kaya, sinabi ni Samson, “Kapag ako'y ginapos ng bagong lubid na hindi pa nagagamit, manghihina ako gaya ng karaniwang tao.” Kumuha si Delilah ng bagong lubid at ginapos si Samson. Pagkatapos ay sumigaw siya, “Samson, may dumarating na mga Filisteo!” Samantala, may mga lalaking nag-aabang sa kabilang silid. Ngunit ang gapos ni Samson ay nilagot niya na para lamang sinulid. Kaya sinabi uli ni Delilah kay Samson, “Hanggang ngayo'y niloloko mo ako at hindi ka nagsasabi ng totoo. Sabihin mo naman sa akin kung paano ka magagapos.” Sinabi ni Samson, “Kapag pinag-isa mo ang pitong tirintas ng aking buhok, saka ipinulupot sa isang tulos, manghihina na ako at magiging katulad ng karaniwang tao.” Kaya pinatulog ni Delilah si Samson, at pinag-isa ang pitong tirintas nito. Pagkatapos, ipinulupot niya ito sa isang tulos saka sumigaw, “Samson! May dumarating na mga Filisteo!” Ngunit siya'y gumising at dali-daling kinalas sa tulos ang kanyang buhok. Kaya't sinabi sa kanya ni Delilah, “Ang sabi mo'y mahal mo ako, hindi pala totoo! Tatlong beses mo na akong niloloko. Bakit ayaw mong sabihin sa akin ang lihim ng iyong lakas?” Araw-araw ay iyon ang inuulit-ulit niya kay Samson hanggang sa mainis ito. Kaya, sinabi na niya ang totoo, “Alam mo, mula sa pagkabata'y inilaan na ako sa Diyos bilang isang Nazareo. Ni minsa'y hindi pa nasasayaran ng panggupit ang aking buhok. Kaya, kapag naputol ang aking buhok, hihina akong tulad ng karaniwang tao.” Nabatid ni Delilah na nagsasabi na ng totoo si Samson, kaya ipinatawag niya ang mga haring Filisteo. Ipinasabi niyang nagtapat na si Samson kaya maaari na silang magbalik sa Sorek. Nagbalik nga roon ang mga pinuno, dala ang perang ibabayad kay Delilah. Si Samson naman ay pinatulog ni Delilah sa kanyang kandungan. Nang ito'y mahimbing na, tumawag siya ng isang tao at ginupit ang pitong tirintas ng buhok ni Samson. Nang mawala na ang kanyang kakaibang lakas, ginising ni Delilah si Samson at kanyang sinabi, “Samson! May dumarating na mga Filisteo!” Nagtangkang bumangon si Samson sapagkat akala niya'y makakawala siyang tulad ng dati. Hindi pa niya namamalayang iniwan na siya ni Yahweh. Binihag siya ng mga Filisteo at dinukit ang kanyang mga mata. Siya'y dinala nila sa Gaza, tinalian ng tanikalang tanso at pinagtrabaho sa isang gilingan sa loob ng bilangguan. Samantala, unti-unting humabang muli ang kanyang buhok. Minsan, nagkatipon ang mga haring Filisteo upang magdiwang at maghandog sa diyus-diyosan nilang si Dagon. Sa kanilang pagdiriwang ay umaawit sila ng, “Pinagtagumpay tayo ng ating diyos laban kay Samson na ating kaaway.” Nang siya'y makita ng mga taong-bayan, ang mga ito'y umawit din ng, “Tayo'y pinagtagumpay ng ating diyos laban sa sumira sa ating lupain at pumatay sa marami nating kasamahan.” At sa laki ng kanilang katuwaan, naisipan nilang pagkatuwaan si Samson. Inilabas nila ito sa bilangguan at pinatayo sa pagitan ng dalawang malalaking haligi. Sinabi ni Samson sa batang lalaki na umaakay sa kanya, “Ihawak mo ang aking mga kamay sa mga haligi ng gusaling ito. Gusto kong sumandal doon.” Ang gusali'y napakasikip dahil sa dami ng tao, babae't lalaki, lahat-lahat ay may 3,000. Naroon din ang mga haring Filisteo. Masaya nilang pinagkakatuwaan si Samson. At nanalangin si Samson, “Panginoong Yahweh, mahabag kayo sa akin. Isinasamo kong minsan pa ninyo akong palakasin upang sa pagkakataong ito'y makaganti ako sa mga Filisteo sa pagkadukot nila sa aking mga mata.” Itinukod niya ang kanyang mga kamay sa dalawang haligi sa gitna ng gusali, at malakas na sinabi, “Mamamatay ako ngunit sama-sama tayong mamamatay!” Ibinuhos niya ang kanyang lakas at itinulak ang mga haligi. Gumuho ito at nabagsakan ang mga pinuno at lahat ng Filisteong naroon. Kaya, ang napatay ni Samson sa oras ng kanyang kamatayan ay mas marami pa kaysa noong siya'y nabubuhay. Kinuha ng kanyang mga kapatid at mga kamag-anak ang bangkay ni Samson at inilibing sa puntod ng ama niyang si Manoa, sa pagitan ng Zora at Estaol. Dalawampung taon siyang naging hukom at pinuno ng Israel. Sa kaburulan ng Efraim ay may nakatirang isang tao na Micas ang pangalan. Minsan, sinabi niya sa kanyang ina, “Nang mawala ang 1,100 ninyong pilak, narinig kong sinumpa ninyo ang nagnakaw. Ako po ang kumuha. Heto po, isinasauli ko na sa inyo.” Pagkatanggap sa mga pilak, sinabi ng ina, “Pagpalain ka ni Yahweh, anak ko. Ang mga pilak na ito'y inihahandog ko kay Yahweh upang gawing imahen para hindi mangyari sa aking anak ang sumpa.” “Kaya nga po ibinabalik ko sa inyo,” sagot ni Micas. Nang ibalik ni Micas ang pilak ng kanyang ina, kinuha nito ang dalawandaang piraso at ibinigay sa isang platero upang gawing imahen. Pagkayari, inilagay niya ito sa bahay ni Micas. Ang lalaking si Micas ay may sariling altar. Mayroon din siyang iba't ibang diyus-diyosan, at ginawa niyang pari ang isa sa kanyang mga anak na lalaki. Nang panahong iyon ay wala pang hari ang Israel; ginagawa ng bawat isa ang lahat ng kanilang magustuhan. Samantala sa Bethlehem, Juda ay may isang kabataang Levita. Isang araw, umalis ito at naghanap ng tirahan sa ibang lugar. Sa kanyang paglalakbay, napadaan siya sa bahay ni Micas sa kaburulan ng Efraim. Tinanong siya ni Micas, “Tagasaan ka?” “Ako po'y taga-Bethlehem, Juda at isang Levita. Naghahanap po ako ng matitirhan,” sagot niya. Sinabi ni Micas, “Kung gayon, dito ka na. Gagawin kitang tagapayo at pari. Bibigyan kita ng sampung pirasong pilak taun-taon, bukod sa damit at pagkain.” Pumayag ang Levita sa alok ni Micas at siya'y itinuring nitong parang tunay na anak. Hinirang siya ni Micas bilang pari, at doon pinatira. Sinabi ni Micas, “Ngayon, sigurado kong ako'y pagpapalain ni Yahweh sapagkat mayroon na akong isang paring Levita.” Nang panahong iyon ay wala pang hari ang Israel. Ang lipi ni Dan ay naghahanap noon ng lugar na matitirhan. Wala silang tirahan noon sapagkat wala pa silang natatanggap na lupaing mana. Kaya't pumili sila ng limang pangunahing kalalakihan sa kanilang lipi, mula sa Zora at Estaol at pinahanap ng matitirhan nilang lahat. Ang limang inutusan ay nagpunta sa lugar ni Micas at sa bahay nito tumuloy. Samantalang naroon sila, nakilala nilang Levita ang kasama ni Micas dahil sa punto ng salita nito. Kaya, tinanong nila ito, “Anong ginagawa mo rito? Sino ang nagdala sa iyo rito?” “May usapan kami ni Micas at binabayaran niya ako bilang pari,” sagot niya. Sinabi nila sa kanya, “Kung gayon, isangguni mo sa Diyos kung magtatagumpay kami sa lakad naming ito.” Sinabi ng Levita, “Huwag kayong mag-alala. Pinapatnubayan kayo ni Yahweh sa lakad ninyo.” Ang lima ay nagpatuloy sa kanilang lakad at nakarating sa Lais. Nakita nilang tahimik doon. Panatag ang loob ng mga tagaroon, payapa at sapat sa lahat ng pangangailangan. Ang lugar na iyon ay malayo sa mga taga-Sidon at walang pakikiugnay sa ibang tao. Nang magbalik sila sa Zora at Estaol, tinanong sila ng kanilang mga kababayan kung ano ang nakita nila. Ang sabi nila, “Mainam na lugar iyon. Kaya, hindi tayo dapat mag-aksaya ng panahon. Lumusob na tayo at nang masakop natin agad. Malawak ang lupaing iyon at sagana sa lahat ng bagay. Ibinigay na ito ng Diyos sa atin, at hindi nila iisiping sasalakayin natin sila.” Kaya, mula sa Zora at Estaol ay lumakad ang may animnaraang mandirigma ng lipi ni Dan. Nagkampo sila sa may Lunsod ng Jearim sa Juda, at hanggang ngayon, ang lugar na iyo'y tinatawag na Kampo ni Dan. Mula roon, dumaan sila sa kaburulan ng Efraim at nagtuloy sa bahay ni Micas. Sinabi sa kanila ng limang nagsiyasat sa Lais, “Sa bahay na ito ay may isang imaheng balot ng pilak, bukod pa sa ibang diyus-diyosan at efod. Ano sa palagay ninyo ang mainam nating gawin para makuha ang mga iyon?” Kaya't pumunta sila sa bahay ni Micas at kinumusta ang kabataang Levita na nakatira roon. Samantalang naghihintay sa tarangkahan ang kasama nilang animnaraang kawal, ang limang espiya ay tuluy-tuloy na pumasok sa bahay ni Micas at kinuha ang mga diyus-diyosan doon, pati ang nababalot ng pilak. Ang pari naman ay nasa tarangkahan, kasama ng animnaraang kawal. Nang makita ng pari na sinamsam ng limang lalaki ang mga imahen, itinanong niya, “Anong ginagawa ninyo?” Sinabi nila, “Huwag kang maingay. Tumahimik ka lang diyan! Sumama ka sa amin at gagawin ka naming pari at tagapayo. Alin ba ang mas gusto mo, ang maging pari ng isa sa lipi ng Israel o ng isang pamilya lamang?” Nagustuhan ng pari ang alok sa kanya, kaya kinuha niya ang mga imahen at masayang sumama sa kanila. At nagpatuloy sila ng paglalakbay. Nasa unahan nila ang mga bata, mga alagang hayop at mga kagamitan. Hindi pa sila gaanong nakakalayo sa bahay ni Micas ay tinipon nito ang kanyang mga kapitbahay at hinabol nila ang mga Daneo, na kanilang sinisigawan. Nang mag-abot sila, tinanong ng mga Daneo si Micas, “Ano ba ang nangyayari at napakarami ninyo?” Sumagot si Micas, “Itinatanong pa ninyo gayong tinangay ninyo ang aking pari at kinuhang lahat ang aking mga diyus-diyosan! Wala na kayong itinira sa akin.” Sinabi nila, “Mabuti pa'y manahimik ka na lang! Baka marinig ka ng mga kasama namin, magalit sila at patayin ka pati ang iyong pamilya.” At nagpatuloy ang lipi ni Dan sa paglakad. Nakita ni Micas na hindi niya kaya ang mga Daneo kaya umuwi na lamang siya. Nagtuloy ang mga Daneo sa Lais, dala ang diyus-diyosan ni Micas pati ang pari. Sinalakay nila ang Lais, isang bayang tahimik at payapa. Pinatay nila ang mga tagaroon, at sinunog ang buong lunsod. Walang nagtanggol sa mga tagaroon sapagkat malayo ito sa Sidon at walang pakikiugnay sa ibang tao. Ang lugar na ito ay nasa kapatagan ng Beth-rehob. Matapos sunugin, muli itong itinayo ng mga Daneo at kanilang tinirhan. Ang dating pangalang Lais ay pinalitan nila ng Dan, batay sa pangalan ng kanilang ninuno na isa sa mga anak ni Jacob. Ipinagtayo nila ng altar ang diyus-diyosan ni Micas at kanilang sinamba. Si Jonatan na anak ni Gersom, apo ni Moises, ang ginawa nilang pari. Mula noon, ang lahi nito ang nagsilbing pari nila hanggang sa sila'y dalhing-bihag ng kanilang mga kaaway. Ang diyus-diyosan naman ni Micas ay nanatili roon habang nasa Shilo pa ang tabernakulo ng Diyos. Nang panahong wala pang hari ang Israel, may isang Levita sa malayong bulubundukin ng Efraim. Kumuha siya ng isang babaing taga-Bethlehem, Juda at ginawa niyang asawang-lingkod. Subalit nagalit sa kanya ang babae at umuwi sa mga magulang nito sa Bethlehem. Nanatili ito roon nang apat na buwan. Naisipan naman ng Levita na puntahan ang asawa at himuking makisamang muli sa kanya. Nagpagayak siya ng dalawang asno at lumakad na kasama ang isang katulong. Pagdating doon, pinatuloy sila ng babae at malugod na tinanggap ng biyenang lalaki. Pinilit pa siyang tumigil doon, kaya nanatili siya roon nang tatlong araw. Nang ikaapat na araw, maaga silang gumising at naghanda sa pag-uwi. Ngunit sinabi ng ama ng babae, “Kumain muna kayo bago lumakad para hindi kayo gutumin sa daan.” Nagpapigil naman sila at magkakasalo pang kumain. Pagkatapos, sinabi ng ama, “Magpabukas na kayo at lubus-lubusin na natin ang pagsasayang ito.” Ayaw sana niyang papigil ngunit mapilit ang pakiusap ng biyenan kaya pumayag na rin siya. Kinaumagahan, muli silang naghanda sa pag-uwi ngunit sinabi na naman ng ama ng babae, “Kumain muna kayo at mamaya na lumakad.” Kaya't nagsalo muli sila sa pagkain. Nang sila'y lalakad na, sinabi ng ama, “Lulubog na ang araw at maya-maya lang ay madilim na. Mabuti pa'y dito na muli kayo matulog at bukas na ng umagang-umaga kayo umuwi.” Sinabi ng Levita, “Hindi tayo maaaring tumuloy sa lugar na hindi sakop ng mga Israelita. Tutuloy tayo ng Gibea. Halikayo at sa Gibea o sa Rama na tayo magpalipas ng gabi.” Kaya lumampas sila ng Jebus at nagpatuloy sa kanilang paglalakbay. Lumulubog na ang araw nang sila'y makarating sa Gibea, isang bayang sakop ng lipi ni Benjamin. Pumasok sila at umupo sa liwasang-bayan upang doon magpalipas ng gabi sapagkat walang nag-alok sa kanila ng matutuluyan. Samantalang nakaupo sila roon, may nagdaang isang matandang lalaki galing sa pagtatrabaho sa bukid. Ang matandang ito'y dating taga kaburulan ng Efraim ngunit sa Gibea na nakatira. Karamihan ng nakatira doo'y mula sa lipi ng Benjamin. Napansin ng matanda ang Levita sa liwasang-bayan. Nilapitan niya ito at tinanong, “Tagasaan kayo at saan kayo pupunta?” Sumagot ang Levita, “Galing po kami sa Bethlehem, Juda at papauwi na sa kaburulan ng Efraim. Wala po namang nag-aalok sa amin ng matutuluyan. Mayroon po kaming pagkain, pati ang aming mga asno. Sapat po ang dala namin para sa aking sarili, sa aking asawang-lingkod at aking alipin.” Sinabi ng matandang lalaki, “Sa amin na kayo magpalipas ng gabi, huwag dito sa liwasang-bayan.” Sumama naman sila sa matanda. Pagdating ng bahay, pinakain ng matanda ang mga asno ng kanyang panauhin. Sila naman ay naghugas ng paa, at kumain. Nang sila'y kasalukuyang kumakain, ang bahay ay pinaligiran ng mga tagaroong mahilig sa kalaswaan at kinalampag ang pinto. Sinabi nila sa matandang may-ari ng bahay, “Ilabas mo ang lalaking panauhin mo't makikipagtalik kami sa kanya.” Sumagot ang matanda, “Huwag, mga kaibigan! Napakasama ng iniisip ninyong iyan. Nakikiusap ako sa inyo na igalang naman ninyo ang taong ito sapagkat siya'y aking panauhin. Kung gusto ninyo, ang anak kong birhen pa o ang kanyang asawa na lang ang hilingin ninyo. Ibibigay ko sila sa inyo at gawin ninyo ang gusto ninyong gawin, huwag lang itong panauhin kong lalaki.” Ayaw makinig ng mga tao, kaya inilabas sa kanila ng Levita ang asawa nito, at ito'y magdamag na hinalay ng mga lalaki. Nang mag-uumaga na, ang babae'y nahandusay na lamang sa pintuan ng bahay ng matanda at doon na sinikatan ng araw. Nang buksan ng Levita ang pinto upang magpatuloy sa kanyang paglalakbay, nakita niya roon ang kanyang asawang nakadapa at ang mga kamay ay nakahawak pa sa pintuan. Sinabi niya, “Bangon na at uuwi na tayo.” Ngunit hindi sumasagot ang babae, kaya isinakay niya ito sa kanyang asno at nagpatuloy ng paglalakbay. Pagdating sa kanyang bahay, kumuha siya ng kutsilyo at pinagputul-putol niya sa labindalawang piraso ang bangkay ng asawa at ipinadala sa buong Israel. Lahat ng makakita rito'y nagsabi, “Wala pang nangyaring ganito buhat nang umalis sa Egipto ang mga Israelita. Ano ang dapat nating gawin?” Ang mga Israelita, mula sa Dan sa gawing hilaga hanggang sa Beer-seba sa timog, at mula sa Gilead sa silangan, ay nagtipun-tipon sa Mizpa, sa harapan ni Yahweh, kasama ang mga pinuno ng bawat lipi. Lahat-lahat ay umabot ng apatnaraang libong kawal. Ang pangyayaring ito'y nakarating sa kaalaman ng mga Benjaminita. Ang tanong ng mga Israelita, “Paano ba naganap ang kasamaang ito?” Ang pangyayari ay isinalaysay ng Levita na asawa ng babaing pinaslang, “Kami ng aking asawang-lingkod ay nagdaan sa Gibea na sakop ng mga Benjaminita upang doon magpalipas ng gabi. Kinagabihan, ang bahay na tinutuluyan namin ay pinaligiran at pinasok ng mga taga-Gibea at gusto akong patayin. Ngunit sa halip, ginahasa nila ang aking asawa hanggang sa siya'y mamatay. Iniuwi ko ang kanyang bangkay, pinagputul-putol at ipinadala sa bawat lipi ng Israel. Napakasama at karumal-dumal ang ginawa nilang ito sa atin. Kayong lahat ng naririto ay mga Israelita. Ano ngayon ang dapat nating gawin?” Sabay-sabay silang tumayo at kanilang sinabi, “Isa man sa amin ay hindi muna uuwi sa sariling bahay o tolda. Ito ang gagawin natin: magpapalabunutan tayo kung sino ang unang sasalakay sa Gibea. Ang ikasampung bahagi ng bilang ng ating kalalakihan ang mamamahala sa pagkain ng hukbo. Ang natitira naman ang magpaparusa sa Gibea dahil sa kawalanghiyaang ginawa nila sa Israel.” Kaya, ang mga kalalakihan ng Israel ay nagkaisang salakayin ang Gibea. Ang mga Israelita'y nagpadala ng mga sugo sa lahat ng lugar na sakop ng Benjamin at kanilang ipinasabi, “Napakasama nitong ginawa ninyo sa amin. Ibigay ninyo sa amin ang mga taga-Gibeang gumawa nito at papatayin namin para mawala ang salot sa buong Israel.” Ngunit hindi pinansin ng mga Benjaminita ang mga Israelita. Sa halip, nagtipun-tipon sila sa Gibea upang lumaban sa ibang lipi ng Israel. Nang araw ring iyon, nakatipon sila ng 26,000 kawal bukod pa ang 700 piling kawal ng Gibea. Sa kabuuan ay kabilang ang 700 piling kawal na pawang kaliwete at kayang-kayang patamaan ng tirador ang hibla ng buhok. Ang mga Israelita naman ay nakatipon ng 400,000 kawal na pawang bihasa sa digmaan. Ang mga Israelita ay nagpunta sa tabernakulo sa Bethel at doo'y itinanong nila sa Diyos, “Aling lipi ang unang sasalakay sa mga Benjaminita?” Sumagot si Yahweh, “Ang lipi ng Juda.” Kinabukasan ng umaga, ang mga Israelita ay nagkampo sa tapat ng Lunsod ng Gibea. Pinaharap nila sa lunsod ang kanilang hukbo upang ito'y salakayin. Ngunit hinarang sila ng mga Benjaminita at bago gumabi ay nalagasan sila ng 22,000 kawal. Gayunman hindi nasiraan ng loob ang mga Israelita. Kinabukasan, muli silang humanay sa dating lugar. Ngunit bago magsimula ang labanan, dumulog muna sila kay Yahweh sa tabernakulo sa Bethel at maghapong lumuha. Itinanong nila kay Yahweh, “Muli po ba naming lulusubin ang mga kapatid naming Benjaminita?” “Oo, lusubin ninyo silang muli,” sagot ni Yahweh. Kaya, muli nilang nilusob ang mga Benjaminita. Ngunit muli silang sinalubong ng mga ito sa labas ng Gibea at sa pagkakataong ito, ang mga Israelita'y nalagasan naman ng 18,000. Kaya, nagpunta sila sa Bethel at doo'y nanangis. Nanatili silang nakaupo sa presensya ni Yahweh at maghapong hindi kumain. Naghain sila ng mga handog na susunugin at handog pangkapayapaan. Muli silang sumangguni kay Yahweh. Noon, ang Kaban ng Tipan ng Diyos ay nasa Bethel sa pag-iingat ni Finehas na anak ni Eleazar at apo ni Aaron. Ang tanong nila, “Lulusubin po ba namin muli ang mga kapatid naming Benjaminita o titigil na kami?” Sumagot si Yahweh, “Lumusob kayo muli at bukas ng umaga'y pagtatagumpayin ko kayo laban sa kanila.” Ang mga Israelita'y naglagay ng mga kawal na nakakubli sa palibot ng Gibea. Nang ikatlong araw, muli nilang sinalakay ang mga Benjaminita. At tulad ng dati, sila'y sinalubong ng mga ito hanggang sa mapalayo sa bayan. May ilang Israelitang napatay sa sangandaan papuntang Bethel at Gibea at sa labas ng lunsod, humigit-kumulang sa tatlumpu. Dahil dito, inisip ng mga Benjaminitang nadaig na naman nila ang mga Israelita. Hindi nila naisip na nagpahabol lamang ang mga ito upang ilayo sila sa lunsod. Ang mga Israelitang nagpahabol ay nagtipun-tipon sa Baal-tamar. Samantala, lumabas naman sa kanilang pinagtataguan sa palibot ng Gibea ang may 10,000 na pawang piling mandirigma ng Israel. Sinalakay nila ang lunsod. Naging mahigpitan ang labanan. Hindi alam ng mga Benjaminita na malapit na silang malipol. Ang mga Israelita'y pinagtagumpay ni Yahweh at nang araw na iyon, nakapatay sila ng 25,100 Benjaminita. Noon lamang nila nakita na natalo sila ng mga Israelita. Umatras ang malaking bahagi ng hukbo ng Israel sapagkat nagtiwala na sila sa mga lalaking pinatambang nila sa palibot ng Gibea. Nang malayo na ang mga Benjaminita, sinalakay nga nila ang lunsod at pinatay ang lahat ng mga tagaroon. May usapan ang mga Israelitang umatras at ang mga nakatambang sa palibot ng Gibea na kapag may nakita silang makapal na usok sa Gibea, haharapin na nila ang mga Benjaminita. Noon, ang mga Benjaminita ay nakapatay na ng tatlumpung Israelita kaya iniisip nilang malulupig na naman nila ang mga Israelita. At lumitaw nga ang makapal na usok mula sa Gibea. Nang lumingon ang mga Benjaminita, nagtaka sila nang makitang nasusunog ang buong lunsod ng Gibea. Sinamantala naman ito ng mga Israelita. Hinarap na nila ang mga kaaway. Nalito ang mga Benjaminita at nagtangkang tumakas patungong kaparangan. Ngunit pinalibutan sila ng mga Israelita, at hindi nilubayan ng pagtugis hanggang sa silangan ng Gibea. Ang napatay sa mga pinakamagagaling na kawal Benjaminita ay umabot sa 18,000. Ang iba'y nakatakas papuntang ilang, sa Batong Malaki ng Rimon. Ang napatay sa daan ay 5,000. Patuloy silang hinabol ng mga Israelita at nakapatay pa ng 2,000. Lahat-lahat ng napatay na Benjaminita ng araw na iyon ay 25,000, na pawang mga matatapang na mandirigma. Ang nakatakas sa Batong Malaki ng Rimon ay 600, at ang mga ito'y nanatili roon nang apat na buwan. Binalikan ng mga Israelita ang iba pang Benjaminita at pinatay lahat, pati mga hayop. Pagkatapos, sinunog nila ang lahat ng bayang sakop ng Benjamin. Ang kalalakihan ng Israel ay nagtipun-tipon sa Mizpa at nangako kay Yahweh. Ang sabi nila, “Hindi namin pahihintulutan ang aming mga anak na babae na mapangasawa ng mga Benjaminita.” Pagkaraan niyon, pumunta sila sa Bethel, at malungkot na humarap kay Yahweh. Hanggang gabi silang nakaupo roon, at buong kapaitang nanangis. Sinabi nila, “Yahweh, Diyos ng Israel, bakit kailangan pang mawala ang isa sa mga lipi ng Israel?” Kinaumagahan, ang mga Israelita'y nagtayo roon ng isang altar at naghain ng mga handog para sa kapayapaan at nagsunog ng buong handog. Nagtanungan sila kung aling lipi ng Israel ang hindi nakiisa sa pagtitipon sa Mizpa, sapagkat mahigpit nilang ipinangako na papatayin ang sinumang hindi humarap doon kay Yahweh. Labis nilang ikinalungkot ang nangyari sa mga kapatid nilang Benjaminita. Ang sabi nila, “Ang Israel ay nabawasan ng isang lipi. Saan natin ikukuha ng mapapangasawa ang mga natitira pang Benjaminita sapagkat tayo'y sumumpang hindi natin papayagang mapangasawa nila ang ating mga anak?” Sinabi nila, “Ang lipi ng Israel ay may isang angkang hindi humarap kay Yahweh sa Mizpa.” Nalaman nilang hindi pumunta roon ang mga taga-Jabes-gilead sapagkat isa mang taga-Jabes-gilead ay walang sumagot nang isa-isang tawagin ang mga tao. Kaya ang kapulungang iyon ay pumili ng 12,000 matatapang na kawal, pinapunta sa Jabes-gilead, at inutusang patayin ang lahat ng tagaroon, bata't matanda, lalaki't babae, liban sa mga dalaga. Nakakita sila ng apatnaraang dalagang hindi pa nasisipingan at ang mga ito'y iniuwi nila sa Shilo, sakop ng Canaan. Pagkatapos, ang mga Israelita ay nagpadala ng sugo sa mga Benjaminitang nagtatago sa Bundok ng Rimon. Ipinasabi nila, “Maaari na kayong umuwi sapagkat tapos na ang ating digmaan.” Nag-uwian naman ang mga ito at ibinigay sa kanila ng mga Israelita ang mga dalagang taga-Jabes-gilead, ngunit ang mga ito'y kulang sa kanila. Ikinalungkot nga ng mga Israelita ang nangyari sa mga Benjaminita sapagkat nagkalamat ang pagkakaisa ng mga lipi ng Israel. Kaya nag-usap-usap ang mga pinuno ng kapulungan. Ang sabi nila, “Walang natirang babaing Benjaminita. Ano ang gagawin natin para magkaasawa ang wala pang asawa? Hindi natin dapat pabayaang malipol ang alinman sa lipi ng Israel. Kailangang gumawa tayo ng paraan para hindi mawala ang lipi ni Benjamin. Hindi naman natin maibibigay sa kanila ang ating mga anak sapagkat isinumpa nating hindi papayagan na mapangasawa nila ang ating mga anak.” Noon nila naalalang malapit na ang taunan nilang pista para kay Yahweh na ginaganap nila sa Shilo, sa hilaga ng Bethel, gawing timog ng Lebona, sa gawing silangan ng daan sa pagitan ng Bethel at Shekem. Sinabi nila sa mga Benjaminita, “Magtago kayo sa ubasan at hintayin ninyo ang mga dalagang taga-Shilo. Pagdaan nila roon upang magsayaw sa pista, mang-agaw na kayo ng inyong mapapangasawa at iuwi ninyo. Kapag nagreklamo sa amin ang kanilang mga ama o mga kapatid, sasabihin na lang namin sa kanila na bayaan na kayo sapagkat kulang sa inyo ang mga dalagang nakuha namin sa Jabes. Iyon naman ay hindi masasabing pagsira nila sa pangako sapagkat kinuha ninyo nang wala silang pahintulot.” Ganoon nga ang ginawa ng mga Benjaminita; bawat isa sa kanila'y pumili ng isa sa mga nagsasayaw, at tinangay. Umuwi sila sa kanilang lupain, itinayo ang kanilang mga lunsod at muling nanirahan doon. Samantala, ang ibang mga Israelita ay umuwi na sa kanya-kanyang lipi, pamilya at ari-arian. Nang panahong iyon ay wala pang hari sa Israel; ginagawa ng bawat isa ang lahat ng kanilang magustuhan. Namatay sa Moab si Elimelec at naiwang biyuda si Naomi. Ang dalawa nilang anak ay nakapag-asawa naman ng mga Moabita, sina Orpa at Ruth. Ngunit pagkalipas ng mga sampung taon, namatay rin sina Mahlon at Quelion, kaya't si Naomi ay naulila sa asawa't mga anak. Nabalitaan ni Naomi na ang kanyang bayan ay pinagkalooban ng Diyos ng masaganang ani kaya't humanda sila ng kanyang mga manugang na umalis sa Moab. Naglakbay nga silang pabalik sa Juda. Ngunit sa daa'y sinabi ni Naomi sa kanyang dalawang manugang, “Umuwi na kayo sa dati ninyong tahanan, at manirahan sa inyong mga nanay. Kung paanong naging mabuti kayo sa mga yumao at sa akin, nawa'y maging mabuti rin sa inyo si Yahweh. Sumagot si Naomi, “Mga anak, huwag na kayong sumama sa akin. Bumalik na kayo sa inyong mga magulang. Hindi na ako magkakaanak pa upang inyong mapangasawa. Umuwi na kayo. Matanda na ako para mag-asawang muli. Kahit na umaasa akong makakapag-asawang muli, o kahit pa ngayong gabi ako mag-asawa't magkaanak, mahihintay ba ninyo silang lumaki? Alam ninyong ito'y hindi mangyayari. Kaya, mag-asawa na kayo ng iba. Pinabayaan ako ni Yahweh, at hindi ko nais na madamay kayo sa aking kasawian.” Pagkasabi nito'y lalo silang nag-iyakan. At hinagkan ni Orpa ang kanyang biyenan, at nagpaalam na. Ngunit nagpaiwan si Ruth. Sinabi ni Naomi kay Ruth, “Ang bilas mo'y nagbalik na sa kanyang bayan at sa kanyang mga diyos. Umuwi ka na rin.” Sumagot si Ruth, “Huwag po ninyong hilinging iwanan ko kayo. Hayaan na ninyo akong sumama sa inyo. Saanman kayo pumunta, doon ako pupunta. Kung saan kayo tumira, doon din ako titira. Ang inyong bayan ang magiging aking bayan. Ang inyong Diyos ang magiging aking Diyos. Kung saan kayo mamatay, doon ako mamamatay, at doon din ako malilibing. Parusahan sana ako ni Yahweh ng pinakamabigat na parusa kung papayagan kong magkalayo tayo maliban na lamang kung paghiwalayin tayo ng kamatayan!” Nang matiyak ni Naomi na hindi talaga magbabago ang isip ni Ruth na sumama sa kanya, hindi na siya tumutol. Kaya't nagpatuloy sila ng paglalakbay. Pagdating nila sa Bethlehem, nagulat ang lahat. “Hindi ba't si Naomi ito?” tanong ng kababaihan. Sumagot naman si Naomi, “Huwag na ninyo akong tawaging Naomi. Tawagin ninyo akong Mara, sapagkat ako'y pinabayaang magdusa ng Makapangyarihang Diyos. Masagana ang buhay namin ni Elimelec nang umalis dito. Ngunit ibinalik ako ni Yahweh na walang anumang dala. Huwag na ninyo akong tawaging Naomi sapagkat ako'y binigyan ng Makapangyarihang Diyos ng matinding kasawian sa buhay!” Iyan ang nangyari kaya't mula sa Moab ay nagbalik si Naomi kasama si Ruth, ang manugang niyang Moabita. Nang dumating sila sa Bethlehem ay simula na ng anihan ng sebada. Di nagtagal, dumating naman si Boaz mula sa Bethlehem. “Sumainyo si Yahweh,” ang bati niya sa mga gumagapas. “Pagpalain naman kayo ni Yahweh!” sagot nila. Nang makita si Ruth, itinanong ni Boaz sa katiwala, “Sino ang babaing iyon?” “Siya po ang Moabitang kasama ni Naomi nang umuwi rito mula sa Moab,” sagot ng katiwala. “Nakiusap po siyang makapamulot ng nalaglag na mga uhay. Pinayagan ko naman. Kaya't maagang-maaga pa'y naririto na siya. Katitigil lamang niya para magpahinga sandali.” Nilapitan ni Boaz si Ruth at kinausap, “Anak, huwag ka nang pupunta sa ibang bukid. Dito ka na lamang mamulot kasama ng aking mga manggagawang babae. Tingnan mo kung saan sila gumagapas, at sumunod ka. Sinabi ko na sa mga tauhan ko na huwag kang gambalain. At kung ikaw ay nauuhaw, malaya kang uminom ng tubig mula sa aking banga.” Nagpatirapa si Ruth, bilang pagbibigay-galang, at nagtanong, “Ako po ay isang dayuhan, bakit po napakabuti ninyo sa akin?” Sumagot si Boaz, “Nabalitaan ko ang lahat ng ginawa mo sa iyong biyenan mula nang mamatay ang iyong asawa. Alam ko ring iniwan mo ang iyong mga magulang at sariling bayan upang manirahan sa isang lugar na wala kang kakilala. Pagpalain ka nawa ni Yahweh dahil sa iyong ginawa. Gantimpalaan ka nawa ni Yahweh, ang Diyos ng Israel sapagkat sa kanya ka lumapit at nagpakupkop!” Sumagot si Ruth, “Salamat po. Pinalakas ninyo ang aking loob sa inyong sinabi. Kahit ako'y isang hamak na lingkod at sa katunaya'y hindi kabilang sa inyong mga manggagawa, naging mabuti kayo sa akin.” Nang dumating ang oras ng pagkain, tinawag ni Boaz si Ruth, “Halika rito. Kumuha ka ng tinapay at isawsaw mo sa sarsa.” Kaya't umupo na siyang kasama ng mga manggagawa, at binigyan siya ni Boaz ng inihaw na sebada. Kumain naman si Ruth hanggang sa mabusog. May natira pa sa pagkaing ibinigay sa kanya. Nang ipagpatuloy niya ang pamumulot, pinagbilinan ni Boaz ang mga manggagawa, “Hayaan ninyo siyang mamulot kahit sa tabi ng mga binigkis na uhay. Huwag ninyo siyang babawalan. Maglaglag kayo ng mga uhay mula sa binigkis para may mapulot siya.” Si Ruth ay namulot hanggang gabi, at pagkatapos ay giniik niya ang kanyang napulot. Halos limang salop na sebada ang nakuha niya. Umuwi si Ruth at ipinakita sa kanyang biyenan ang naipong sebada, at ibinigay pa niya sa matanda ang lumabis niyang pagkain. Nagtanong si Naomi, “Saang bukid ka ba namulot ngayon? Pagpalain nawa ng Diyos ang taong nagmagandang-loob sa iyo!” At ikinuwento ni Ruth ang nangyari sa kanya sa bukid ni Boaz. Kaya't sinabi ni Naomi, “Pagpalain nawa siya ni Yahweh na hindi nakakalimot sa kanyang pangako sa mga buháy at sa mga patay.” Idinugtong pa niya, “Malapit nating kamag-anak ang taong iyon, isa sa mga may tungkuling mangalaga sa naiwan ng mga yumao.” Nagpatuloy ng pagsasalaysay si Ruth, “Sinabi pa niyang magpatuloy akong mamulot sa kanyang bukid hanggang sa matapos ang anihan niya.” Sumagot si Naomi, “Oo nga, anak. Baka mapahamak ka lamang kung sa ibang bukid ka pupunta. Mabuti ngang manatili kang kasama ng kanyang mga manggagawang babae.” Ganoon nga ang nangyari. Namulot si Ruth kasama ng mga gumagapas sa bukid ni Boaz, hanggang sa maaning lahat ang trigo at ang sebada. At namuhay siya sa piling ng kanyang biyenan. Isang araw ay kinausap ni Naomi si Ruth. Sabi niya, “Anak, kailangang ihanap kita ng magiging asawa upang magkaroon ka ng sariling tahanan. Natatandaan mong sinabi ko sa iyo noon na kamag-anak natin si Boaz. Mga manggagawa niya ang mga kasama mo sa bukid. Ngayon, makinig kang mabuti. Magpapagiik siya ng sebada mamayang gabi. Kaya't maligo ka, magpabango ka at isuot mo ang pinakamaganda mong damit. Pagkatapos, pumunta ka sa giikan. Ngunit huwag mong ipaalam na naroon ka hanggang sa makakain at makainom si Boaz. Tingnan mo kung saan siya matutulog. Lumapit ka, iangat mo ang takip ng kanyang paa, at mahiga ka sa may paanan niya. Sasabihin niya sa iyo ang nararapat mong gawin.” Sumagot si Ruth, “Gagawin ko pong lahat ang inyong sinabi.” Nagpunta na nga si Ruth sa giikan upang isagawa ang lahat ng sinabi ng kanyang biyenan. Masaya si Boaz matapos kumain at uminom. Maya-maya'y nahiga siya at natulog sa tabi ng bunton ng sebada. Marahang lumapit si Ruth, iniangat ang takip ng paa ni Boaz, at nahiga sa paanan nito. Nang maghahating-gabi'y nagising si Boaz. Nagulat siya nang makitang may babaing nakahiga sa paanan niya. “Sino ka?” tanong niya. “Si Ruth po, ang inyong lingkod,” sagot ng babae. “Isa kayong kamag-anak na malapit kaya dapat ninyo akong kalingain at pakasalan.” Sumagot naman si Boaz, “Pagpalain ka ni Yahweh. Higit na kagandahang-loob sa aming angkan ang ginawa mong ito kaysa ginawa mo sa iyong biyenan. Hindi ka naghanap ng isang lalaking bata pa na maaaring mayaman o mahirap. Ipanatag mo ang iyong loob. Nalalaman ng buong bayan na isa kang mabuting babae. Gagawin ko ang lahat ng sinabi mo. Totoo ngang ako'y malapit ninyong kamag-anak, at may tungkulin sa iyo, ngunit may isang mas malapit na kamag-anak kaysa akin. Dito ka muna hanggang madaling-araw. Bukas ng umaga, aalamin natin kung pakakasalan ka ng lalaking sinasabi ko. Kung hindi, ipinapangako ko kay Yahweh, ang buháy na Diyos, na gagampanan ko ang tungkuling ito. Matulog ka na muna ngayon.” Kaya't natulog si Ruth sa may paanan ni Boaz hanggang sa mag-umaga. Ngunit bumangon siya bago sumikat ang araw, sapagkat sinabi ni Boaz na walang dapat makaalam na nagpunta siya sa giikan. Nang paalis na si Ruth, sinabi ni Boaz, “Iladlad mo ang iyong balabal.” At ito'y nilagyan ni Boaz ng mahigit na kalahating kabang sebada. Ipinasan niya ito kay Ruth at tuluyan na itong umuwi. Nang makita siya ng kanyang biyenan ay tinanong siya nito, “Kumusta ang lakad mo, anak?” At sinabi ni Ruth ang buong pangyayari. “Binigyan pa niya ako ng sebada, sapagkat hindi raw po ako dapat umuwing walang dala,” dugtong pa niya. Sinabi ni Naomi, “Maghintay ka, anak, hanggang sa malaman mo kung ano ang kalalabasan ng bagay na ito. Hindi titigil si Boaz hangga't hindi niya naaayos ang lahat.” Nagtungo si Boaz sa may pintuan ng lunsod at naupo roon. Di nagtagal, dumaan ang tinutukoy niyang pinakamalapit na kamag-anak ni Elimelec. “Pinsan, sandali lang. Maupo ka rito at may sasabihin ako sa iyo,” sabi niya. Lumapit naman ang tinawag at naupo sa tabi ni Boaz. Tumawag si Boaz ng sampung pinuno ng bayan at inanyayahan ding maupo roon. Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang kamag-anak, “Ngayong nagbalik na si Naomi buhat sa Moab, nais niyang ipagbili ang bukid ng kamag-anak nating si Elimelec. Sa palagay ko'y dapat mo itong malaman sapagkat ikaw ang unang may karapatang bumili niyon. Kung gusto mo, bilhin mo iyon sa harap ng mga saksing pinuno ng bayan. Kung ayaw mo naman, ako ang bibili.” “Bibilhin ko,” sagot ng lalaki. Agad na sinabi ni Boaz, “Kung bibilhin mo kay Naomi ang bukid, kasama sa bilihan si Ruth, ang Moabitang biyuda ng ating pinsan, upang ang bukid ay manatili sa angkan ng namatay.” Pagkarinig niyon, sumagot ang lalaki, “Kung ganoon, hindi ko na gagamitin ang aking karapatan, sapagkat manganganib namang mawala ang sarili kong mana. Ikaw na ang bumili.” Ganito ang kaugalian sa Israel noong unang panahon: kapag tinubos o binili ang isang ari-arian, hinuhubad ng nagpatubos o nagbenta ang kanyang sandalyas at ibinibigay sa bumili, bilang katibayan ng kanilang kasunduan. Kaya't nang sabihin ng lalaki kay Boaz na siya na ang bumili, hinubad nito ang kanyang sandalyas at ibinigay kay Boaz. Matapos tanggapin iyon, sinabi ni Boaz sa matatandang pinuno at sa ibang naroroon, “Kayo ang saksi ko na binili ko kay Naomi ang lahat ng nasa pangalan ni Elimelec, at nina Quelion at Mahlon. Kasama sa bilihang ito ay magiging asawa ko si Ruth, ang Moabitang biyuda ni Mahlon, upang manatili sa angkan ng namatay ang mga ari-arian. Sa pamamagitan nito'y mananatiling buháy ang kanyang pangalan sa hanay ng kanyang kamag-anakan at sa kanyang bayan. Inuulit ko, saksi kayo sa bagay na ito.” At sila'y sumagot, “Oo, saksi kami.” Sinabi naman ng matatanda, “Pagpalain nawa ni Yahweh ang babaing iyon, at bigyan ng maraming anak gaya nina Raquel at Lea, na pinagmulan ng lahing Israel. Ikaw naman, Boaz, sumagana ka nawa sa Efrata at kilalanin sa buong Bethlehem. Matulad nawa sa sambahayan ni Fares, na anak nina Juda at Tamar, ang mga anak na ibibigay sa inyo ni Yahweh sa pamamagitan ng kabataang babaing ito.” Napangasawa nga ni Boaz si Ruth at iniuwi sa kanyang tahanan. Pinagpala ni Yahweh si Ruth kaya't ito'y nagdalang-tao at nanganak ng isang lalaki. Sinabi ng kababaihan kay Naomi, “Purihin si Yahweh! Binigyan ka niya sa araw na ito ng isang apo na kakalinga sa iyo. Maging tanyag nawa sa Israel ang bata! Maghatid nawa siya ng kaaliwan sa puso mo at mag-alaga sa iyong pagtanda. Ang mapagmahal mong manugang, na nagsilang sa bata, ay higit kaysa pitong anak na lalaki.” Kinuha ni Naomi ang bata, magiliw na kinalong, at inalagaang mabuti. Siya'y tinawag nilang Obed. Ipinamalita nilang nagkaapo ng lalaki si Naomi. Si Obed ang siyang ama ni Jesse na ama naman ni David. Sa Ramataim-zofim, isang bayan sa kaburulan ng Efraim ay may nakatirang lalaki na nagngangalang Elkana. Siya'y anak ni Jeroham at apo ni Elihu na mula sa sambahayan ni Tohu at mula sa angkan ni Zuf na Efrateo. Dalawa ang asawa ni Elkana, sina Ana at Penina. May mga anak si Penina ngunit si Ana ay wala. Taun-taon, pumupunta si Elkana sa Shilo upang sumamba at mag-alay ng mga handog kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Naglilingkod doon bilang mga pari ni Yahweh ang mga anak ni Eli na sina Hofni at Finehas. Tuwing maghahandog si Elkana, binibigyan niya ng tig-iisang bahagi si Penina at ang mga anak nito. Ngunit mga natatanging bahagi ang ibinibigay niya kay Ana sapagkat mahal na mahal niya ito bagama't hindi ipinahintulot ni Yahweh na ito'y magkaanak. Si Ana ay palaging kinukutya ni Penina dahil hindi niloob ni Yahweh na magkaroon siya ng anak. Ito'y ginagawa ni Penina taun-taon, tuwing pupunta sila sa bahay ni Yahweh. Labis naman itong dinaramdam ni Ana kaya't napapaiyak siya at hindi makakain. Kaya't nilalapitan siya ni Elkana at tinatanong, “Ana, bakit umiiyak ka na naman at ayaw mong kumain? Bakit ka nalulungkot? Hindi pa ba ako higit kaysa sa sampung anak na lalaki para sa iyo?” Minsan, matapos silang kumain sa Shilo, malungkot na pumunta si Ana at nanalangin sa bahay ni Yahweh. Nagkataong nakaupo sa may pintuan ng bahay ni Yahweh ang paring si Eli. Buong pait na lumuluha si Ana at taimtim na nanalangin kay Yahweh. Ganito ang kanyang panalangin: “Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat, kung papakinggan ninyo ang inyong abang lingkod at inyo pong kahahabagan, kung hindi ninyo ako pababayaan, sa halip ay pagkakalooban ng isang anak na lalaki, ihahandog ko siya sa inyo at habang buhay na siya'y nakalaan sa inyo; hindi ko ipapaputol ang kanyang buhok.” Habang nananalangin si Ana, ang bibig niya'y pinagmamasdan ni Eli. Gumagalaw ang kanyang mga labi ngunit hindi naririnig ang kanyang tinig sapagkat siya'y nananalangin lamang sa sarili. Dahil dito, inakala ni Eli na siya'y lasing. Kaya, lumapit ito at sinabi sa kanya, “Tama na 'yang paglalasing mo! Tigilan mo na ang pag-inom ng alak at magpakatino ka na!” “Hindi po ako lasing,” sagot ni Ana. “Ni hindi po ako tumitikim ng alak. Ang damdamin ko po'y naghihirap at idinudulog ko kay Yahweh ang aking kalagayan. Huwag po sana ninyong isipin na ang inyong lingkod ay masamang babae. Ipinapahayag ko lamang ang matinding paghihirap ng aking damdamin.” Dahil dito, sinabi ni Eli, “Ipanatag mo ang iyong sarili at umuwi ka na. Ang Diyos ng Israel ang tutugon sa iyong kahilingan.” Sumagot si Ana, “Magkatotoo po sana ang inyong sinabi tungkol sa akin.” Pagkasabi niyon, bumalik sa kanilang tinutuluyan at kumaing wala na ang bigat ng kanyang kalooban. Kinabukasan, maagang-maaga silang sumamba kay Yahweh, at pagkatapos ay umuwi na sa Rama. Sinipingan ni Elkana si Ana, at dininig ni Yahweh ang dalangin nito. Nagbuntis siya at dumating ang araw na siya'y nagsilang ng isang sanggol na lalaki. Samuel ang ipinangalan niya rito sapagkat ang sabi niya, “Hiningi ko siya kay Yahweh.” Pagkalipas ng isang taon, si Elkana at ang kanyang sambahayan ay muling nagpunta sa Shilo upang ialay kay Yahweh ang taunang handog at upang tupdin ang kanyang panata. Sinabi ni Ana kay Elkana, “Hindi na muna ako sasama sa inyo ngayon. Hihintayin ko na ang panahong maaari na siyang mahiwalay sa akin. Paglaki niya, dadalhin ko siya sa bahay ni Yahweh at doon na siya titira sa buong buhay niya.” Sinabi ni Elkana, “Gawin mo kung ano ang inaakala mong mabuti. Hintayin mo na siyang lumaki at tulungan ka nawa ni Yahweh upang matupad ang pangako mo sa kanya.” Kaya naiwan si Ana at inalagaan ang kanyang anak. Nang lumaki na si Samuel, dinala siya ng kanyang ina sa bahay ni Yahweh sa Shilo. Nagdala pa siya ng isang torong tatlong taon, limang salop ng harina at alak na nakalagay sa sisidlang balat. Matapos ihandog ang baka, dinala nila kay Eli ang bata. Sinabi ni Ana, “Kung natatandaan ninyo, ako po ang babaing nakita ninyong nakatayo rito noon at nanalangin kay Yahweh. Hiniling ko sa kanya na ako'y pagkalooban ng anak at binigyan nga niya ako. Kaya naman po inihahandog ko siya kay Yahweh upang maglingkod sa kanya habang buhay.” Pagkatapos nito, sinamba nila si Yahweh. Ganito ang naging panalangin ni Ana: “Pinupuri kita, Yahweh dahil sa iyong kaloob sa akin. Aking mga kaaway, ngayo'y aking pinagtatawanan, sapagkat iniligtas mo ako sa lubos na kahihiyan. “Si Yahweh lamang ang banal. Wala siyang katulad, walang ibang tagapagtanggol liban sa ating Diyos. Walang maaaring magyabang sa iyo, Yahweh, walang maaaring maghambog, sapagkat alam mo ang lahat ng bagay, ikaw ang hahatol sa lahat ng ginagawa ng tao. Ginapi mo ang mga makapangyarihan, at pinapalakas ninyo ang mahihina. Kaya't ang dating mayayaman ay nagpapaupa para may makain. Masagana ngayon ang dating maralita. Nagsilang ng pito ang dating baog, at ang maraming anak ngayo'y nalulungkot. Ikaw, O Yahweh, ang may kapangyarihang magbigay o bumawi ng buhay. Maaari mo kaming itapon sa daigdig ng mga patay, at maaari ring buhayin muli. Maaari mo kaming payamanin o paghirapin, maaari ring ibaba o itaas. Mapapadakila mo kahit ang pinakaaba, mahahango sa kahirapan kahit ang pinakadukha. Maihahanay mo sila sa mga maharlika, mabibigyan ng karangalan kahit na ang mga hampaslupa. Hawak mo ang langit na nilikha, at sa iyo nasasalig ang lahat ng iyong gawa. “Papatnubayan mo ang tapat sa iyo, ngunit ang masasama ay isasadlak sa karimlan. Walang sinumang magtatagumpay sa sariling lakas. Lahat ng lumalaban sa iyo ay manginginig sa takot; kapag pinapadagundong mo ang mga kulog. Hahatulan mo ang buong daigdig, at pagtatagumpayin ang hinirang mong hari.” Si Elkana at ang buo niyang sambahayan ay umuwi sa Rama. Ngunit iniwan nila si Samuel upang maglingkod kay Yahweh sa pangangasiwa ng paring si Eli. Ang dalawang anak ni Eli ay parehong lapastangan at walang takot kay Yahweh. Wala rin silang galang sa regulasyon ng pagkapari. Tuwing may maghahandog, pinapapunta nila ang kanilang mga katulong habang pinapakuluan pa lang ang karne. May dala silang malaking tinidor na may tatlong ngipin at itinutusok sa loob ng malaking kaldero o palayok. Lahat ng matusok o sumama sa tinidor ay itinuturing na nilang para sa pari. Ginagawa nila ito tuwing maghahandog sa Shilo ang mga Israelita. Hindi lamang iyon. Bago pa maihandog ang taba ng karne, nilalapitan na ng mga katulong ang mga naghahandog at sinasabi, “Hilaw na karne ang ibibigay ninyo sa pari. Hindi niya kukunin kapag luto na ang ibibigay ninyo. Hilaw ang gusto niya upang maiihaw niya ito.” Kapag sinabi ng naghahandog na hintayin munang maialay ang taba bago sila kumuha hanggang gusto nila, ganito ang kanilang sinasabi: “Hindi maaari! Bigyan na ninyo kami. Kung hindi'y aagawin namin 'yan sa inyo.” Malaking pagkakasala ang ginagawa nilang ito sapagkat ito'y paglapastangan sa handog para kay Yahweh. Nagpatuloy ng paglilingkod kay Yahweh ang batang si Samuel, na noo'y nakasuot ng efod. Taun-taon, gumagawa ng balabal ang kanyang ina at ibinibigay ito sa kanya tuwing ang kanyang mga magulang ay naghahandog sa Shilo. Ang mag-asawang Elkana at Ana naman ay laging binabasbasan ni Eli. Sinasabi niya, “Pagpalain nawa kayo ni Yahweh. Nawa'y bigyan pa niya kayo ng mga anak bilang kapalit ng inihandog ninyo sa kanya.” Matapos mabasbasan, umuuwi na sila. Nagkatotoo ang sinabi sa kanila ni Eli. Si Ana'y pinagpala ni Yahweh, at paglipas ng ilang taon siya'y nanganak pa ng tatlong lalaki at dalawang babae. Samantala, lumaki naman si Samuel sa paglilingkod kay Yahweh. Matanda na noon si Eli. Umabot na sa kanyang kaalaman ang kasamaang ginagawa ng kanyang mga anak sa mga Israelita. Alam na rin niya ang pagsiping nila sa mga babaing naglilingkod sa pintuan ng Toldang Tipanan. Kaya, pinangaralan niya ang mga ito, “Mga anak, nababalitaan ko ang kasamaang ginagawa ninyo sa mga tao. Bakit ninyo ginagawa iyon? Tigilan na ninyo iyan. Napakapangit ng usap-usapang kumakalat tungkol sa inyo. Kung ang isang tao'y magkasala sa kanyang kapwa, maaaring mamagitan sa kanila si Yahweh, ngunit sino ang mamamagitan kung kay Yahweh siya nagkasala?” Ngunit hindi siya pinakinggan ng kanyang mga anak sapagkat nais na silang parusahan ni Yahweh. Si Samuel nama'y patuloy na lumaking kalugud-lugod kay Yahweh at sa mga tao. Minsan, si Eli ay nilapitan ng isang propeta ng Diyos. Sinabi sa kanya, “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Nangusap ako sa ninuno mong si Aaron nang sila'y alipin pa ng Faraon, ang hari ng Egipto. Sa mga lipi ni Israel ay siya ang pinili kong maging pari. Siya ang mangangasiwa sa altar, magsusunog ng insenso, magsusuot ng linong efod, at maglilingkod sa akin bilang kinatawan ng Israel. At lahat ng handog sa akin ng mga Israelita'y ibinibigay ko sa kanyang sambahayan. Bakit ninyo pinagnanasaang maangkin ang mga alay at handog sa akin? Mas iginagalang mo pa yata ang iyong mga anak kaysa sa akin? Bakit mo sila pinababayaang magpasasa sa pinakapiling bahagi ng mga handog para sa akin? Ipinangako ko noon na tanging ang sambahayan mo lamang ang makakalapit sa akin habang panahon. Ngunit hindi na ngayon. Pararangalan ko ang nagpaparangal sa akin, ngunit pababayaan ko ang nagtatakwil sa akin. Darating ang araw na papatayin ko ang mga kabataan sa iyong sambahayan at sa iyong angkan. Paiikliin ko ang inyong buhay at maaga kayong mamamatay. Maghihirap kayo at di ninyo matitikman ang kasaganaang ibibigay ko sa Israel. Paiikliin ko nga ang inyong buhay. Hindi ko kayo aalising lahat sa paglilingkod sa altar, ngunit ang ititira ko'y daranas ng katakut-takot na paghihirap ng kalooban. Mamamatay sa tabak ang iyong buong pamilya. Bilang katunayan nito, sabay na mamamatay ang mga anak mong sina Hofni at Finehas. Samantala, pipili ako ng isang paring magiging tapat sa akin at susunod sa aking kalooban. Bibigyan ko siya ng sambahayan na maglilingkod sa akin habang panahon sa harapan ng mga haring aking hihirangin. Ngunit ang matitira sa iyong sambahayan ay mamamalimos sa kanya. Magmamakaawa siyang gawing katulong ng pari para lamang mabuhay.’” Sa pamamahala ni Eli, si Samuel ay patuloy na naglingkod kay Yahweh. Nang panahong iyon, bihira nang magpahayag si Yahweh at bihira na rin ang mga pangitaing galing sa kanya. Malabo na noon ang mata ni Eli. Minsan, natutulog siya sa kanyang silid. Si Samuel ay natutulog naman sa santuwaryo, kung saan naroroon din ang Kaban ng Tipan. Bago magmadaling-araw at may sindi pa ang ilawan sa santuwaryo, siya'y tinawag ni Yahweh, “Samuel, Samuel!” “Narito po ako,” sagot niya. Patakbo siyang lumapit kay Eli at sinabi, “Bakit po?” Sinabi ni Eli, “Hindi kita tinatawag. Matulog ka na uli.” Nagbalik nga siya sa kanyang higaan. Subalit tinawag siyang muli ni Yahweh, “Samuel!” Bumangon siya, lumapit muli kay Eli at nagtanong, “Tinatawag po ba ninyo ako?” Sinabi ni Eli, “Hindi kita tinatawag, anak. Matulog ka na.” Hindi pa kilala noon ni Samuel si Yahweh sapagkat hindi pa ito nagpahayag sa kanya. Sa ikatlong pagtawag ni Yahweh, muling lumapit si Samuel kay Eli at sinabi, “Narinig ko pong tinawag ninyo ako.” Sa pagkakataong iyon, naunawaan ni Eli na si Yahweh ang tumatawag sa bata, kaya sinabi niya, “Mahiga kang muli at kapag narinig mo pang tinawag ka, ganito ang sabihin mo: ‘Magsalita po kayo, Yahweh. Nakikinig po ang inyong lingkod.’” At muli ngang nahiga si Samuel. Si Yahweh ay lumapit kay Samuel at muli itong tinawag, “Samuel, Samuel!” Sumagot si Samuel, “Magsalita po kayo, nakikinig ang inyong lingkod.” Sinabi ni Yahweh, “Hindi magtatagal at may gagawin akong kakila-kilabot na bagay sa Israel. Lahat ng makakabalita nito'y mabibigla. Pagdating ng araw na iyon, gagawin ko ang lahat ng sinabi ko laban sa sambahayan ni Eli, mula sa umpisa hanggang sa katapusan. Sabihin mo sa kanya na habang panahon kong paparusahan ang kanyang sambahayan sapagkat hinayaan niyang lapastanganin ako ng kanyang mga anak. Ni hindi man lamang niya pinahinto ang mga ito. Dahil dito, isinusumpa kong hindi mapapawi ng anumang handog ang kalapastanganang ginawa ng sambahayan ni Eli.” Natulog muli si Samuel at kinaumagaha'y binuksan ang pintuan ng bahay ni Yahweh. Ngunit natatakot siyang sabihin kay Eli ang tungkol sa pangitain. Subalit tinawag siya ni Eli, “Samuel, anak.” “Ano po iyon?” sagot ni Samuel. Sinabi ni Eli, “Anong sinabi sa iyo ni Yahweh? Huwag ka nang maglihim sa akin. Mabigat ang parusang ibibigay sa iyo ni Yahweh kapag hindi mo sinabi sa akin ang lahat ng sinabi niya sa iyo.” Kaya't ipinagtapat ni Samuel ang lahat kay Eli; wala siyang inilihim dito. Pagkatapos, sinabi ni Eli, “Iyon ang kagustuhan ni Yahweh. Mangyari nawa ang ayon sa kanyang kalooban.” Habang lumalaki si Samuel, patuloy siyang pinapatnubayan ni Yahweh, at nagkakatotoo ang lahat ng sinasabi niya. Dahil dito, kinilala ng buong Israel, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, na si Samuel ay isang tunay na propeta ni Yahweh. Patuloy na nagpapahayag si Yahweh sa Shilo, sapagkat siya'y nangungusap kay Samuel sa Shilo. Dinirinig ng buong Israel ang salitang ipinapahayag ni Samuel. Dumating ang araw na nakipagdigmaan ang mga Israelita laban sa mga Filisteo. Sa Ebenezer nagkampo ang mga Israelita at sa Afec naman ang mga Filisteo. Sumalakay ang mga Filisteo, at pagkalipas ng isang matinding labanan ay natalo nila ang mga Israelita; sila'y nakapatay ng halos apatnalibong kawal ng Israel. Nang makabalik na ang mga nakaligtas sa kanilang kampo, nagtanungan ang matatandang namumuno sa Israel, “Bakit kaya pinabayaan ni Yahweh na matalo tayo ng mga Filisteo ngayon? Ang mabuti pa'y kunin natin sa Shilo ang Kaban ng Tipan upang samahan tayo ni Yahweh. Siguro kung nasa atin iyon ay ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway.” At kinuha nga nila sa Shilo ang Kaban ng Tipan, na kung saan si Yahweh ay nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin. Sumama sa kanila ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas. Napasigaw sa tuwa ang mga Israelita nang dalhin sa kanilang kampo ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. Halos nayanig ang lupa sa lakas ng kanilang sigawan. Nang marinig ito ng mga Filisteo, itinanong nila, “Bakit kaya napakaingay sa kampo ng mga Hebreo?” Nang malaman nilang nasa kampo ng mga Israelita ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, natakot sila. Sinabi nila, “May dumating na mga diyos sa kampo ng mga Israelita. Nanganganib tayo ngayon! Ngayon lamang nangyari ito sa atin! Kawawa tayo! Sino ngayon ang makakapagligtas sa atin sa mga makapangyarihan nilang diyos? Ito ang mga diyos na nagpahirap sa mga Egipcio sa pamamagitan ng iba't ibang salot. Mga kababayan, lakasan natin ang ating loob. Magpakalalaki tayo upang hindi tayo matalo at maalipin ng mga Hebreo, tulad ng pang-aalipin natin sa kanila. Lumaban tayo!” Lumaban nga ang mga Filisteo at ang mga Israelita ay natalo na naman. Ang napatay sa kanila ay 30,000 at nagkanya-kanyang takas pauwi ang mga natira. Nakuha ng mga Filisteo ang Kaban ng Diyos, at kanilang pinatay ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas. Nang araw ring iyon, isang Benjaminita ang patakbong dumating sa Shilo mula sa labanan. Bilang tanda ng kalungkutan, pinunit niya ang kanyang damit at nilagyan niya ng lupa ang kanyang ulo. Si Eli ay nakaupo noon sa kanyang upuan sa tabing daan, nakatanaw sa malayo at naghihintay ng balita. Nag-aalala siya dahil sa Kaban ng Diyos. At nang ibalita ng Benjaminita ang nangyari, nag-iyakan ang lahat ng taga-lunsod ng Shilo. Narinig ito ni Eli at itinanong niya, “Bakit nag-iiyakan ang mga tao?” Lumapit kay Eli ang Benjaminita at ibinalita ang nangyari. Noon ay siyamnapu't walong taon na si Eli at hindi na siya nakakakita. Sinabi ng Benjaminita kay Eli, “Ako po'y galing sa labanan. Mabuti na lang po at nakatakas ako.” “Kumusta naman ang labanan, anak?” tanong ni Eli. Sumagot ang lalaki, “Natalo po ang mga Israelita, at napakarami pong namatay, kabilang ang inyong mga anak na sina Hofni at Finehas. At ang Kaban po ng Diyos ay kanilang naagaw.” Nang marinig ni Eli ang tungkol sa Kaban ng Diyos, siya'y nabuwal sa may pintuan. Nabali ang kanyang leeg sapagkat siya'y mabigat at matanda na. Namatay si Eli pagkatapos ng apatnapung taóng pamamahala sa Israel. Kabuwanan noon ng asawa ni Finehas. Nang malaman niyang nakuha ang Kaban ng Diyos, namatay ang kanyang biyenan, at napatay ang kanyang asawa, biglang sumakit ang kanyang tiyan at napaanak nang di oras. Malubha ang kanyang kalagayan. Sinabi ng mga hilot sa kanya, “Lakasan mo ang iyong loob, lalaki ang anak mo.” Ngunit hindi siya umimik. Ang bata ay pinangalanan niyang Icabod na ang kahuluga'y “Umalis na ang kaluwalhatian ng Diyos sa Israel.” Ang tinutukoy niya'y ang pagkakuha sa Kaban ng Diyos at iniisip niya ang pagkamatay ng kanyang biyenan at ng kanyang asawa. Inulit niya, “Ang kaluwalhatian ng Diyos ay wala na sa Israel sapagkat ang Kaban ng Diyos ay nakuha ng mga Filisteo.” Mula sa Ebenezer, ang Kaban ng Diyos ay dinala ng mga Filisteo sa Asdod. Ipinasok nila ito sa templo ng kanilang diyos na si Dagon at inilagay sa tabi nito. Kinaumagahan, nakita ng mga taga-Asdod na nakasubsob ang rebulto ni Dagon sa harap ng Kaban ng Tipan ni Yahweh. Kaya, binuhat nila ito at ibinalik sa dating lugar. Nang magbalik sila kinabukasan, nakita nilang nakasubsob na naman si Dagon sa harap ng Kaban ng Tipan. Ang ulo at mga kamay nito ay putul-putol at nagkalat sa may pintuan; walang natirang buo kundi ang katawan. ( Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, ang mga pari ni Dagon at ang lahat ng sumasamba sa Asdod ay hindi tumutuntong kahit sa may pintuan ng templo nito.) Pinarusahan ni Yahweh ang mga mamamayan ng Asdod at kanilang karatig-bayan. Sila'y natadtad ng bukol bilang parusa ni Yahweh. Dahil dito'y sinabi nila, “Kailangang alisin natin dito ang Kaban ng Diyos ng mga Israelita sapagkat pinaparusahan niya tayo at ang diyos nating si Dagon.” Kaya ipinatawag nila ang mga pinuno ng mga Filisteo at pinag-usapan nila kung ano ang dapat gawin sa Kaban ng Diyos ng Israel. Nagkaisa silang dalhin iyon sa Lunsod ng Gat, at ganoon nga ang kanilang ginawa. Ngunit ang lunsod na iyon ay pinarusahan din ni Yahweh. Nagulo ang buong bayan sapagkat natadtad rin ng bukol ang mga tagaroon, bata man o matanda. Dahil dito, dinala nila sa Ekron ang Kaban, ngunit tumutol ang mga tagaroon. Sinabi nila, “Dinala nila rito ang Kabang ito para tayo naman ang ipapatay sa Diyos ng Israel.” Kaya, nakipagpulong sila sa mga Filisteo at kanilang sinabi, “Alisin ninyo rito ang Kaban ng Diyos ng Israel. Ibalik ninyo ito sa pinanggalingan bago tayo mamatay lahat.” Gulung-gulo ang lahat dahil sa takot sa parusa ng Diyos. Ang mga natirang buháy ay natadtad ng bukol. Abot hanggang langit ang paghingi nila ng saklolo. Makalipas ang pitong buwan mula nang dalhin sa lupain ng mga Filisteo ang Kaban ni Yahweh, sumangguni ang mga ito sa kanilang mga pari at mga salamangkero. Itinanong nila kung ano ang dapat gawin sa Kaban ng Tipan at kung ano ang kailangang isama sa pagsasauli niyon. Ang sagot ng mga pari at mga salamangkero, “Kung ibabalik ninyo ang Kaban ng Diyos ng Israel, samahan ninyo ng handog na pambayad sa kasalanan. Sa ganitong paraan, patatawarin kayo ng Diyos at hindi na paparusahan.” Itinanong nila, “Anong handog na pambayad sa kasalanan ang kailangan?” Sumagot sila, “Sampung pirasong ginto—limang hugis bukol at limang hugis daga—isa para sa bawat haring Filisteo, sapagkat pare-pareho ang bukol na ipinadala sa inyo, hari man o hindi. Ang mga bukol at dagang ginto ay gawin nga ninyong kamukha ng mga bukol at dagang nagpahirap sa inyo. Parangalan ninyo ang Diyos ng Israel at baka sakaling tigilan na niya ang pagpaparusa sa inyo, sa inyong mga diyos at sa buong bayan. Huwag na ninyong gayahin ang pagmamatigas ng Faraon at ng mga Egipcio. Hindi ba't pinayagan na rin nilang umalis ang mga Israelita nang sila'y pahirapan ng Diyos ng Israel? Kaya't maghanda kayo ng isang bagong kariton, at dalawang gatasang baka na may bisiro at hindi pa napagtatrabaho kahit kailan. Ikulong ninyo ang mga guya, at ipahila ang kariton sa dalawang baka. Isakay ninyo sa kariton ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, at itabi ninyo rito ang kahon ng mga bukol at dagang ginto. Pagkatapos, palakarin ninyo ang mga baka nang walang umaakay. Tingnan ninyo kung saan pupunta. Kapag dumiretso sa Beth-semes, si Yahweh nga ang nagparusa sa inyo. Kapag hindi nagtuloy sa Beth-semes, hindi siya ang may kagagawan ng nangyari sa atin, kundi nagkataon lamang.” Kumuha nga sila ng dalawang babaing baka na may guya, ipinahila sa mga ito ang kariton, at ikinulong ang mga guya nito. Isinakay nila sa kariton ang Kaban ng Tipan at ang kahon ng mga daga at bukol na ginto. Lumakad ang mga baka tuluy-tuloy sa Beth-semes, umuunga pa ang mga ito habang daan. Ang mga ito'y hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa. Ang mga pinunong Filisteo naman ay sumunod hanggang sa hangganan ng Beth-semes. Nag-aani noon ng trigo ang mga taga-Beth-semes at napasigaw sila sa tuwa nang makita ang Kaban. Ang kariton ay itinigil sa tabi ng isang malaking bato sa bukid ni Josue na taga-Beth-semes. Nilansag ng mga tagaroon ang kariton at sinindihan. Pagkatapos, pinatay nila ang dalawang baka at inialay bilang handog kay Yahweh. Kinuha ng mga Levita ang Kaban ng Tipan ni Yahweh at ang kahon ng mga daga at bukol na ginto. Ipinatong nila ito sa malaking batong naroon. Nang araw ring iyon, ang mga taga-Beth-semes ay naghandog kay Yahweh. Nang makita ng limang haring Filisteo ang nangyari, nagbalik na ang mga ito sa Ekron. Ito ang mga bayang pinag-ukulan ng mga gintong bukol na inihandog ng mga Filisteo kay Yahweh bilang handog na pambayad sa kasalanan: Asdod, Gaza, Ashkelon, Gat at Ekron. Ang limang dagang ginto naman ay para rin sa limang bayang ito at sa mga lupaing sakop ng limang haring Filisteo. At hanggang ngayon, naroroon pa sa bukid ni Josue sa Beth-semes ang malaking batong pinagpatungan ng Kaban ng Tipan ni Yahweh bilang saksi sa lahat ng nangyari. May pitumpung taga-Beth-semes na nangahas na sumilip sa Kaban ng Tipan, kaya't sila'y pinatay ni Yahweh. Nagluksa ang mga taga-Beth-semes nang makita nila ang malagim na kamatayan ng kanilang mga kababayan. Sinabi ng mga taga-Beth-semes, “Sino ang makakaharap kay Yahweh, sa banal na Diyos? Saan kaya mabuting ipadala ang kanyang Kaban para mapalayo sa atin?” Nagpadala sila ng mga sugo sa Lunsod ng Jearim. Ipinasabi nilang kunin doon ang Kaban ng Tipan ni Yahweh sapagkat ibinalik na ito ng mga Filisteo. Kinuha ng mga taga-Lunsod ng Jearim ang Kaban ng Tipan ni Yahweh at dinala sa bahay ni Abinadab na nasa isang burol. At si Eleazar na anak ni Abinadab ang inatasan nilang tagapag-ingat ng Kaban. Pagkalipas ng dalawampung taon mula nang dalhin sa Lunsod ng Jearim ang Kaban, nalungkot ang buong Israel at humingi ng tulong kay Yahweh. Sinabi sa kanila ni Samuel, “Kung talagang buong pusong nanunumbalik na kayo kay Yahweh, alisin ninyong lahat ang mga diyus-diyosan at ang imahen ni Astarte. Italaga ninyo kay Yahweh ang inyong sarili at siya lamang ang inyong paglingkuran. Kapag ginawa ninyo ito, ililigtas niya kayo sa kapangyarihan ng mga Filisteo.” Kaya, itinapon ng mga Israelita ang kanilang mga imahen nina Baal at Astarte, at si Yahweh na lamang ang kanilang sinamba. Sinabi pa ni Samuel, “Tipunin ninyo sa Mizpa ang buong Israel at doo'y ipapanalangin ko kayo kay Yahweh.” Nang matipon sila sa Mizpa, kumuha sila ng tubig at ibinuhos sa harapan ni Yahweh bilang handog. Maghapon silang nag-ayuno at nanangis ng ganito: “Nagkasala kami kay Yahweh.” Doon sa Mizpa ay nanungkulan si Samuel bilang hukom sa sambayanang Israel. Nabalitaan ng mga Filisteo ang pagkakatipon ng mga Israelita, kaya't humanda sila upang digmain ang Israel. Natakot ang mga Israelita nang mabalitaan nilang sasalakayin sila ng mga Filisteo. Sinabi nila kay Samuel, “Huwag kang titigil sa pagtawag kay Yahweh upang iligtas kami sa mga Filisteo.” Nagpatay si Samuel ng isang pasusuhing tupa at sinunog niya ito nang buo bilang handog kay Yahweh. Nanalangin siya na tulungan ang Israel, at dininig naman ni Yahweh ang kanyang panalangin. Samantalang naghahandog si Samuel, palapit naman nang palapit ang mga Filisteo. Ngunit ginulo sila ni Yahweh sa pamamagitan ng malalakas na kulog at nagapi sila ng mga Israelita. Mula sa Mizpa, hinabol ng mga Israelita ang mga Filisteo hanggang sa Beth-car, at pinapatay nila ang bawat mahuling kalaban. Pagkatapos, naglagay si Samuel ng isang malaking bato sa pagitan ng Mizpa at ng Sen bilang alaala. Tinawag niya itong Ebenezer na ang ibig sabihi'y, “Tinulungan kami ni Yahweh hanggang dito.” Natalo nila ang mga Filisteo at hindi na nangahas pang magbalik ang mga ito sa lupaing sakop ng Israel. Nabawi ng Israel ang mga lunsod at lahat nilang lupain na nasakop ng mga Filisteo, mula sa Ekron hanggang sa Gat. Nakipagkasundo rin sa mga Israelita ang mga Amoreo. Habang buhay na nanungkulan si Samuel bilang hukom sa Israel. Taun-taon, nagpapalipat-lipat siya sa Bethel, Gilgal at Mizpa upang lutasin ang mga usapin ng mga Israelita. Pagkatapos, umuuwi siya sa Rama at doon ipinagpapatuloy ang kanyang pamamahala bilang hukom. At doo'y nagtayo siya ng altar para kay Yahweh. Nang matanda na si Samuel, ginawa niyang mga hukom ng Israel ang kanyang mga anak na lalaki. Ang panganay niya ay si Joel at ang pangalawa'y si Abias. Sila'y nagsilbing hukom sa Beer-seba. Ngunit hindi sila sumunod sa halimbawa ng kanilang ama. Naging gahaman sila sa salapi, tumanggap ng suhol, at hindi pinairal ang katarungan. Dahil dito, ang pinuno ng Israel ay sama-samang nagsadya kay Samuel sa Rama at kanilang sinabi, “Matanda na po kayo. Ang mga anak naman ninyo'y hindi sumusunod sa inyong mga yapak. Kaya't ipili ninyo kami ng isang haring mamumuno sa amin tulad ng ibang mga bansa.” Nalungkot si Samuel dahil sa kahilingan ng mga tao, kaya't nanalangin siya kay Yahweh. Sinabi naman sa kanya ni Yahweh, “Sundin mong lahat ang sinasabi nila sapagkat hindi ikaw kundi ako ang itinatakwil nila bilang hari nila. Ang ginagawa nila sa iyo ngayon ay ginagawa na nila sa akin mula pa nang ilabas ko sila sa Egipto. Noon pa'y tumalikod na sila sa akin, at naglingkod sa mga diyus-diyosan. Sundin mo sila, ngunit bigyan mo sila ng babala at ipaliwanag mo sa kanila kung ano ang gagawin ng hari na nais nilang mamahala sa kanila.” Lahat ng sinabi ni Yahweh kay Samuel ay sinabi nito sa mga Israelita. Ito ang sabi niya, “Ganito ang gagawin sa inyo ng magiging hari ninyo: Kukunin niya ang mga anak ninyong lalaki upang gawing kanyang mga kawal; ang iba'y sasakay sa kanyang karwaheng pandigma, ang iba nama'y sa hukbong kabayuhan at ang iba nama'y maglalakad sa unahan ng mga karwahe. Ang iba'y gagawin niyang opisyal para sa libu-libo at sa lima-limampu. Ang iba'y pagtatrabahuhin niya sa kanyang bukirin at sa pagawaan ng mga sandata at sasakyang pandigma. Ang inyong mga anak na babae naman ay gagawin niyang manggagawa ng pabango, mga tagapagluto at tagagawa ng tinapay. Kukunin din niya ang pinakamagaganda ninyong bukirin, ubasan, taniman ng olibo at ibibigay sa kanyang mga opisyal. Kukunin din niya ang ikasampung bahagi ng inyong ani sa bukid at ubasan para ibigay sa kanyang mga pinuno at mga opisyal sa palasyo. Kukunin niya pati ang inyong mga alila, babae't lalaki, ang pinakamagaganda ninyong baka, kabayo at asno upang magtrabaho para sa kanya. Kukunin din ang ikasampung bahagi ng inyong kawan at kayo'y gagawin niyang alipin. Pagdating ng araw na iyon, irereklamo ninyo kay Yahweh ang inyong hari na kayo mismo ang pumili ngunit hindi kayo papakinggan ni Yahweh.” Hindi pinansin ng mga Israelita ang mga sinabi ni Samuel. Sa halip, sinabi nila, “Basta, gusto naming magkaroon ng hari upang kami'y maging katulad ng ibang bansa, at upang ang aming hari ang siyang mamamahala at mangunguna sa amin sa digmaan laban sa aming mga kaaway.” Nang mapakinggan ni Samuel ang kahilingan ng mga tao, sinabi niya ang mga ito kay Yahweh. Sinabi naman sa kanya ni Yahweh, “Pagbigyan mo na ang gusto nila. Bigyan mo sila ng hari.” Pagkatapos nito'y pinauwi na ni Samuel ang mga Israelita sa kani-kanilang bayan. Sa lipi ni Benjamin ay may isang mayamang lalaki. Siya'y si Kish na anak ni Abiel at apo ni Zeror, mula sa sambahayan ni Becorat at sa angkan ni Afia. Si Kish ang ama ni Saul na siya namang pinakamakisig at pinakamatangkad na lalaki sa buong Israel. Minsan, nawala ang mga asno ni Kish. Kaya, inutusan niya si Saul na magsama ng isang katulong at hanapin ang mga asno. Naghanap sila sa buong kaburulan ng Efraim at sa lupain ng Salisa ngunit wala silang nakita ni isa man. Nagtuloy sila sa Saalim ngunit wala rin doon. Nagtuloy sila sa Benjamin at wala rin silang natagpuan doon. Nakarating sila sa Zuf ngunit wala pa rin silang nakita, kaya't nagyaya nang umuwi si Saul. Sinabi niya sa kanyang kasamang lingkod, “Umuwi na tayo at baka tayo naman ang inaalala ng aking ama.” Sumagot ang kanyang kasama, “Sandali lang. Sa lunsod na ito ay may isang lingkod ng Diyos. Iginagalang siya ng mga tao sapagkat nagkakatotoo ang anumang sabihin niya. Pumunta tayo sa kanya, baka sakaling maituro niya sa atin ang ating hinahanap.” Sinabi ni Saul, “Ano'ng maibibigay natin kung pupunta tayo sa kanya? Ubos na ang baon nating pagkain.” Sumagot ang katulong, “Mayroon pa akong tatlong gramong pilak. Ibibigay ko na ito sa kanya para ituro sa atin ang ating hinahanap.” Noong panahong iyon, ugali ng mga Israelita na lumapit sa isang manghuhula kung may isasangguni sa Diyos. Manghuhula ang dati nilang tawag sa propeta. Sinabi ni Saul, “Sige, tayo na. Pumunta tayo sa sinasabi mong lingkod ng Diyos.” At nagpunta nga sila sa lunsod na kinaroroonan ng nabanggit na lingkod ng Diyos. Sa daan, nakasalubong sila ng mga dalagang sasalok ng tubig. “Narito kaya ang manghuhula?” tanong ni Saul sa mga dalaga. Sumagot ang mga dalaga, “Opo. Kararaan lang niya papunta sa altar sa burol sapagkat maghahandog doon ang mga tao. Lumakad na kayo at pagpasok ninyo ng lunsod ay makikita ninyo siya. Magmadali kayo upang maabutan ninyo siya bago makaakyat sa altar para kumain. Hindi kakain ang mga taong naroon hangga't hindi siya dumarating sapagkat kailangan munang basbasan ang mga handog. Pagkabasbas, saka kakain ang mga panauhin.” At nagtuloy nga sila sa lunsod. Papasok na sila nang makita nila si Samuel na papunta naman sa altar na paghahandugan. Isang araw bago dumating doon si Saul, nagpakita kay Samuel si Yahweh at sinabi, “Bukas nang ganitong oras, may darating sa iyong isang lalaking taga-Benjamin. Pahiran mo siya ng langis bilang pinuno ng aking bayang Israel. Siya ang magtatanggol sa mga Israelita laban sa mga Filisteo. Naaawa na ako sa nakikita kong paghihirap ng aking bayan at narinig ko ang kanilang karaingan.” Nang dumating si Saul, sinabi ni Yahweh kay Samuel, “Iyan ang lalaking sinasabi ko sa iyo na maghahari sa Israel.” Lumapit si Saul kay Samuel at nagtanong, “Saan po ba nakatira ang manghuhula?” Sumagot si Samuel, “Ako ang manghuhula. Sumama ka sa akin sa altar sa burol at magsasalo tayo sa pagkain. Bukas ka na ng umaga umuwi pagkatapos kong sabihin sa iyo ang gusto mong malaman. Huwag mo nang alalahanin ang mga asnong hinahanap mo sapagkat nakita na ang mga iyon. Sino ba ang pinakamimithi ng Israel kundi ikaw at ang sambahayan ng iyong ama?” Sumagot si Saul, “Ako po'y mula sa lipi ni Benjamin, ang pinakamaliit na lipi sa Israel at ang aming angkan ang pinakamahirap sa aming lipi. Bakit po ninyo sinasabi sa akin iyan?” Si Saul at ang kanyang katulong ay isinama ni Samuel sa handaan at pinaupo sa upuang pandangal. May tatlumpu ang naroong panauhin. Sinabi ni Samuel sa tagapagluto, “Ihain mo rito ang bahaging ipinatabi ko sa iyo.” Inilabas ng tagapagluto ang pigi at hita ng handog, at inihain kay Saul. Sinabi ni Samuel, “Narito ang bahaging ibinukod para sa iyo. Kainin mo sapagkat iyan ay inilaan sa iyo sa pagkakataong ito.” Nang araw na iyon, kumain nga si Saul kasalo ni Samuel. Pagbalik nila sa lunsod, may nakahanda nang higaan sa ibabaw ng bahay para kay Saul. Doon siya natulog nang gabing iyon. Kinabukasan ng madaling araw, nilapitan siya ni Samuel at ginising, “Bangon na at nang makalakad na kayo.” Bumangon nga si Saul at silang dalawa ni Samuel ay lumabas sa lansangan. Nang palabas na sila ng lunsod, sinabi ni Samuel, “Paunahin mo na ang katulong mo at mag-usap tayo sandali. Sasabihin ko sa iyo ang ipinapasabi ng Diyos.” Kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at binuhusan ang ulo ni Saul. Pagkatapos, hinagkan niya ito at sinabi, “Binuhusan kita ng langis ni Yahweh upang maging hari ng Israel. Pamumunuan mo ang kanyang bayan at ililigtas laban sa lahat niyang kaaway. Ito ang magiging palatandaan na ikaw nga ang hinirang ni Yahweh upang mamahala sa kanyang bayan: Paghihiwalay natin ngayon, may masasalubong kang dalawang tao sa tabi ng libingan ni Raquel, sa Selsa na sakop ng Benjamin. Sasabihin nila sa iyo na nakita na ang mga asnong hinahanap mo, at ikaw naman ngayon ang inaalala at ipinagtatanong ng iyong ama. Sa dako pa roon, may masasalubong kang tatlong lalaki sa may malalaking puno sa Tabor. Papunta sila sa Bethel sa altar ng Diyos; ang isa'y may dalang tatlong tupang maliit, ang isa'y tatlong malalaking tinapay at ang isa'y sisidlang balat na puno ng alak. Babatiin ka nila at ibibigay sa iyo ang dalawa sa dala nilang tinapay. Kapag inalok ka, tanggapin mo. Pagdating mo sa Burol ng Diyos, sa may kampo ng mga Filisteo, makakasalubong mo naman ang isang pangkat ng mga propeta na pinangungunahan ng mga manunugtog ng alpa, tamburin, plauta at lira. Sila'y galing sa altar sa burol, at nagpapahayag ng propesiya. Sa oras na iyon, lulukuban ka ng Espiritu ni Yahweh. Ikaw ay sasama sa kanila at gagawin mo rin ang ginagawa nila. Magbabago ang iyong pagkatao. Kapag naganap na ang mga palatandaang ito, gawin mo ang dapat mong gawin sapagkat sasamahan ka ng Diyos. Pagkatapos noon, mauuna ka sa akin sa Gilgal at pupuntahan kita roon para ipaghain ng handog na susunugin at handog pangkapayapaan. Hihintayin mo ako roon nang pitong araw, at sasabihin ko sa iyo ang dapat mong gawin.” Nang maghiwalay sila ni Samuel, si Saul ay binigyan ng Diyos ng bagong katauhan. At nang araw ring iyon, naganap ang lahat ng sinabi sa kanya ni Samuel. Pagdating nila sa Gibea, nakasalubong nga nila ang isang pangkat ng mga propeta. Lumukob kay Saul ang Espiritu ni Yahweh at siya'y nagpahayag din tulad sa ginagawa ng mga propeta. Nang makita siya ng mga nakakakilala sa kanya, itinanong ng mga ito, “Ano bang nangyari kay Saul na anak ni Kish? Propeta na rin ba si Saul?” Isang tagaroon ang sumagot, “Bakit naman hindi? Baka siya pa nga ang kanilang pinuno.” At dahil dito, nagsimula ang kasabihang, “Propeta na rin ba si Saul?” Pagkatapos ng pangyayaring iyon, si Saul ay nagpunta sa altar sa burol. Pagdating doon, si Saul at ang kasama niyang lingkod ay tinanong ng kanyang tiyo, “Saan ba kayo nagpunta?” Sumagot siya, “Hinanap po namin ang mga asno. Nang hindi ko makita, nagtuloy kami kay Samuel.” Sinabi ng kanyang tiyo, “Ano ang sinabi sa iyo ni Samuel?” Sumagot si Saul, “Sinabi niyang nakita na raw ang mga asnong hinahanap namin.” Ngunit hindi niya binanggit ang tungkol sa pagkahirang sa kanya bilang hari ng Israel. Ang mga Israelita ay tinawag ni Samuel sa isang banal na pagpupulong sa Mizpa. Sinabi niya, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Inilabas ko kayo sa Egipto. Iniligtas ko kayo sa mga Egipcio at sa mga kahariang nagpapahirap sa inyo. Ngunit itinakwil ninyo ako, ang Diyos na humango sa inyo sa kahirapan at nagligtas sa inyo sa maraming kagipitan. Itinakwil ninyo ako nang humingi kayo ng haring mamamahala sa inyo. Kaya nga, lumapit kayo kay Yahweh, sama-sama ang magkakalipi at magkakasambahay.’” Nang matipon ni Samuel ang buong Israel sa harap ng altar ni Yahweh, nagpalabunutan sila at nakuha ang lipi ni Benjamin. Pinalapit naman niya ang mga angkan sa lipi ni Benjamin at nabunot ang pamilya ni Matri. Sa kahuli-hulihan, pinalapit niya ang lahat ng anak ni Matri at ang nabunot ay si Saul na anak ni Kish. Ngunit wala roon si Saul. Dahil dito, itinanong nila kay Yahweh, “Pupunta po kaya siya rito?” Sumagot si Yahweh, “Naroon siya sa bunton ng mga dala-dalahan at nagtatago.” Siya'y patakbo nilang pinuntahan at dinala sa mga tao. Nang mapagitna siya sa karamihan, si Saul ang pinakamatangkad. Sinabi ni Samuel sa mga tao, “Ito ang pinili ni Yahweh. Wala siyang katulad sa buong bayan.” Sabay-sabay silang sumigaw, “Mabuhay ang hari!” Inisa-isa ni Samuel sa mga taong-bayan ang mga karapatan at pananagutan ng isang hari. Pagkatapos, isinulat niya ang mga ito at inilagay sa harap ng altar ni Yahweh. Pagkatapos, pinauwi na niya ang mga Israelita. Pati si Saul ay umuwi na sa Gibea, kasama ang ilang matatapang na Israelita, mga lalaking ang puso'y hinipo ng Diyos. Ngunit may ilang tao roon na pakutyang nagtanong, “Paano tayo maililigtas niyan?” Nilait nila si Saul at hindi sila nagbigay ng handog sa kanya. Ngunit tumahimik lamang si Saul. Ang Jabes-gilead ay kinubkob ni Nahas na hari ng mga Ammonita. Nang mapaligiran niya ang lunsod, nagpadala ng sugo sa kanya ang mga tagaroon. Sinabi ng mga sugo, “Kung magkakasundo tayo, pasasakop kami sa inyo.” Sumagot si Nahas, “Makikipagkasundo ako sa inyo kung ipadudukit ninyo sa akin ang kanang mata ng bawat isa sa inyo. Sa gayon, mapapahiya ang buong Israel.” Sinabi ng mga pinuno ng Jabes, “Bigyan po ninyo kami ng pitong araw para maibalita sa buong Israel ang aming kalagayan. Kung wala pong tutulong sa amin, susuko na kami sa inyo.” Umabot sa Gibea ang mga sugo. Nang marinig ang balita, nag-iyakan nang malakas ang buong bayan. Si Saul ay papauwi noon mula sa bukid, kasama ang kanyang mga baka. Nang makita niyang nag-iiyakan ang mga tao, nagtanong siya, “Ano bang nangyayari? Bakit nag-iiyakan ang mga tao?” At sinabi nila sa kanya ang balita ng mga taga-Jabes. Pagkarinig nito, nilukuban siya ng Espiritu ng Diyos at nagsiklab ang kanyang galit. Kumuha siya ng dalawang baka at pinagpira-piraso ang mga iyon. Pagkatapos, ibinigay iyon sa mga sugo at iniutos na ipakita sa buong Israel lakip ang ganitong bilin: “Ganito ang gagawin sa mga baka ng sinumang hindi sasama kay Saul at kay Samuel sa pakikidigma.” Ang mga Israelita'y nakadama ng matinding takot kay Yahweh kaya silang lahat ay nagkaisang sumama sa labanan. Tinipon ni Saul sa Bezek ang mga tao; umabot sa 300,000 ang galing sa Israel at 30,000 naman ang galing sa Juda. Sinabi nila sa mga sugo, “Ito ang sabihin ninyo sa mga taga-Jabes-gilead: ‘Bukas ng tanghali, darating ang magliligtas sa inyo.’” Nang marinig ito ng mga taga-Jabes, natuwa sila. At sinabi nila sa mga Ammonita, “Bukas, susuko na kami sa inyo at gawin na ninyo sa amin ang gusto ninyo.” Kinabukasan, hinati ni Saul sa tatlong pangkat ang kanyang mga mandirigma. Nang mag-uumaga na, pinasok nila ang kampo ng mga Ammonita at pinagpapatay nila ang mga ito bago tumanghali. Ang mga natirang buháy ay nagkanya-kanya ng pagtakas. Pagkatapos nito, itinanong ng mga tao kay Samuel, “Nasaan ang mga nagsasabing hindi si Saul ang dapat maghari sa amin? Dalhin ninyo sila rito at papatayin namin!” Ngunit sinabi ni Saul, “Huwag! Isa man sa ati'y walang mamamatay sapagkat sa araw na ito'y iniligtas ni Yahweh ang buong Israel.” At sinabi ni Samuel sa mga tao, “Magpunta tayo sa Gilgal at doo'y muli nating ipahayag na hari natin si Saul.” Lahat ay sama-samang nagpunta sa Gilgal at kinilala si Saul bilang hari. Pagkatapos, naghandog sila kay Yahweh ng mga haing pangkapayapaan, at nagdiwang silang lahat. Sinabi ni Samuel sa sambayanang Israel, “Ngayon, nasunod ko na ang gusto ninyo, nabigyan ko na kayo ng hari. Narito na siya upang mamuno sa inyo. Ako nama'y matanda na at ang aking mga anak ay kasa-kasama ninyo. Mula sa aking kabataan hanggang ngayon ay ako ang namuno sa inyo. Kung mayroon kayong anumang reklamo laban sa akin, sabihin ninyo sa harapan ni Yahweh at sa hinirang niyang hari. Mayroon ba akong kinuha sa inyo kahit isang baka o asno? Mayroon ba akong dinaya o inapi? Nasuhulan ba ako ng sinuman para ipikit ko ang aking mga mata sa kamalian? Sabihin ninyo ngayon at pananagutan ko kung mayroon.” “Hindi mo kami dinaya o inapi. Wala kang kinuhang anuman sa amin,” sagot nila. Sinabi ni Samuel, “Kung gayon, si Yahweh ang saksi ko. Saksi ko rin ang kanyang hinirang na ako'y walang ginawang masama sa inyo.” Sumagot sila, “Iyan ay alam ni Yahweh.” Sinabi ni Samuel, “Siya nga ang saksi, si Yahweh na pumili kina Moises at Aaron, at siya rin ang nagligtas sa inyong mga ninuno mula sa kamay ng mga Egipcio. Kaya nga, tumayo kayong lahat sa harapan niya at iisa-isahin ko ang mga kabutihan niyang ginawa sa inyo at sa inyong mga ninuno. Nang si Jacob at ang buo niyang sambahayan ay manirahan sa Egipto, sila'y inalipin ng mga Egipcio. Humingi ng tulong kay Yahweh ang inyong mga magulang at ibinigay sa kanila sina Moises at Aaron. Sa pangunguna ng mga ito, sila'y inilabas niya sa Egipto at dinala sa lupaing ito. Ngunit si Yahweh ay tinalikuran ng sambayanan. Kaya't sila'y ipinalupig niya kay Sisera, ang pinuno ng hukbo ni Jabin na hari ng Hazor, gayundin sa mga Filisteo at sa mga Moabita. Pagkatapos ay dumaing sila kay Yahweh at kanilang sinabi, ‘Nagkasala kami sapagkat tinalikuran ka namin. Naglingkod kami kay Baal at kay Astarot. Iligtas mo kami ngayon sa aming mga kaaway at maglilingkod kami sa iyo.’ At ipinadala sa kanila ni Yahweh sina Gideon, Barak, Jefte, at Samuel; iniligtas nila kayo at pinangalagaan laban sa inyong mga kaaway kaya't mapayapa kayong nakapamuhay. Ngunit nang kayo'y sasalakayin ni Nahas na hari ng mga Ammonita, ipinagpilitan ninyong, “Basta, gusto naming isang hari ang mamuno sa amin,” bagama't alam ninyong si Yahweh na inyong Diyos ang inyong hari. “Narito ngayon ang haring hiningi ninyo, ibinigay na sa inyo ni Yahweh. Kung mamumuhay kayong may takot kay Yahweh, kung maglilingkod kayo sa kanya at susundin ang kanyang kalooban, kung hindi kayo susuway sa kanyang mga utos, at kung kayo at ang inyong hari ay susunod kay Yahweh na inyong Diyos, magiging maayos ang inyong pamumuhay. Ngunit kapag hindi kayo sumunod sa kanya, sa halip ay lumabag sa kanyang utos, paparusahan niya kayo. Ngayon, tingnan ninyo ang kababalaghang gagawin ni Yahweh. Ngayon ay anihan ng trigo. Idadalangin ko sa kanya na kumulog at umulan para makita ninyo kung gaano kalaki ang pagkakasalang ginawa ninyo kay Yahweh nang humingi kayo ng hari.” Nanalangin nga si Samuel. Noon di'y kumulog at umulan. Silang lahat ay napuno ng matinding takot kay Yahweh, at kay Samuel. Sinabi nila kay Samuel, “Ipanalangin mo kay Yahweh na huwag kaming mamatay dahil sa paghingi namin ng hari. Malaking kasalanan ang idinagdag namin sa marami na naming pagkakasala.” “Huwag kayong matakot,” sabi ni Samuel. “Kahit malaki ang pagkakasala ninyo kay Yahweh, huwag kayong lalayo sa kanya. Ang kailangan ay paglingkuran ninyo siya nang buong puso. Huwag ninyo siyang tatalikuran. Lumayo kayo sa mga diyus-diyosan. Hindi kayo maililigtas ni matutulungan ng mga iyan sapagkat hindi sila tunay na Diyos. Hindi kayo pababayaan ni Yahweh, sapagkat iyon ang kanyang pangako. Kayo'y pinili niya bilang kanyang bayan. Ipapanalangin ko kayo at tuturuan ng dapat ninyong gawin. Subalit matakot kayo kay Yahweh. Manatili kayong tapat sa kanya, paglingkuran ninyo siya nang buong puso at lagi ninyong alalahanin ang mga kabutihang ginawa niya sa inyo. Ngunit kung mananatili kayo sa inyong kasamaan, malilipol kayong lahat, pati ang inyong hari.” Tatlumpung taon si Saul nang siya'y maging hari ng Israel. Siya'y naghari sa loob ng dalawang taon. Pumili si Saul ng tatlong libong tauhan; ang dalawang libo ay isinama niya sa Micmas at sa kaburulan ng Bethel. Ang sanlibo naman ay pinasama niya kay Jonatan sa Gibea, sakop ng Benjamin. Ang iba'y pinauwi niya sa kani-kanilang tolda. Nasakop na ni Jonatan ang kampo ng mga Filisteo sa Gibea at ito'y napabalita sa buong lupain ng mga Filisteo. Ipinabalita naman ni Saul sa buong Israel ang nangyari at tinawagan ang buong bayan na makidigma. Nang marinig ng mga Israelita na nasakop na ni Saul ang isang kampo ng mga Filisteo at malaman nilang napopoot sa kanila ang mga ito, nagkaisa silang sumama kay Saul sa Gilgal upang makipaglaban. Nagtipun-tipon din ang mga Filisteo upang harapin ang mga Israelita. Ang karwahe nila ay 30,000, at 6,000 ang mga kawal na nakakabayo, at parang buhangin sa dagat ang dami ng mga kawal na naglalakad. Sila'y nagkampo sa Micmas, sa gawing silangan ng Beth-aven. Nakita ng mga Israelita ang malaking panganib na kanilang kakaharapin at natakot sila, kaya't nagkanya-kanya silang tago sa mga kuweba, hukay, libingan, malalaking bato, at mga punongkahoy. Ang iba nama'y tumawid sa Jordan papuntang Gad at Gilead. Naiwan si Saul sa Gilgal at nanginginig sa takot ang mga naiwang kasama niya. Pitong araw siyang naghintay roon, tulad ng sinabi sa kanya ni Samuel; ngunit hindi pa rin ito dumarating. Ang mga kasama niya'y isa-isa nang umaalis, kaya't nagpakuha si Saul ng handog na susunugin at handog pangkapayapaan at siya na ang naghandog ng mga ito. Katatapos lamang niyang maghandog nang dumating si Samuel. Sinalubong siya ni Saul at binati. Tinanong siya ni Samuel, “Bakit mo ginawa iyan?” Sumagot siya, “Ang mga kasama ko'y isa-isa nang nag-aalisan, nariyan na sa Micmas ang mga Filisteo, at ikaw nama'y hindi dumating sa oras na ating usapan. Ako'y nangambang lusubin kami ng mga Filisteo rito sa Gilgal na hindi pa ako nakapaghahandog kay Yahweh, kaya napilitan akong maghandog.” Sinabi sa kanya ni Samuel, “Malaking kasalanan 'yang ginawa mo. Kung sinunod mo ang iniuutos sa iyo ni Yahweh na iyong Diyos, ang sambahayan mo sana ang maghahari sa buong Israel habang panahon. Ngunit dahil sa ginawa mo, hindi na matutuloy iyon. Si Yahweh ay pipili ng isang taong mula sa kanyang puso na maghahari sa Israel sapagkat hindi mo sinunod ang mga utos niya sa iyo.” Pagkasabi nito'y umalis si Samuel at nagpunta sa Gibea, sa lupain ng Benjamin. Tinipon ni Saul ang natira niyang mga tauhan at umabot sa 600. Sina Saul at Jonatan, pati ang kanilang mga tauhan ay nagkampo naman sa Gibea ng Benjamin samantalang nasa Micmas pa rin ang mga Filisteo. Ang mga ito'y nagtatlong pangkat sa pagsalakay sa mga Israelita: ang una'y gumawi sa Ofra, sa lupain ng Sual; ang ikalawa'y sa Beth-horon, at ang pangatlo'y sa kaburulan, sa may hanggahan ng kapatagan ng Zeboim at ng kagubatan. Noon ay wala ni isa mang panday sa buong Israel sapagkat ayaw ng mga Filisteo na makagawa ng mga tabak o sibat ang mga Israelita. Kaya ang mga Israelita'y sa mga Filisteo pa nagpapahasa ng kanilang araro, asarol, palakol at karit. Mahal ang bayad nila sa pagpapahasa ng palakol o karit, at mas mahal pa para sa araro o asarol. Kaya, sina Saul at Jonatan lamang ang may tabak; isa man sa mga kasamahan nila'y walang dalang patalim. Samantala, binantayang mabuti ng mga Filisteo ang daanan papuntang Micmas. Isang araw, lingid sa kaalaman ng kanyang ama, sinabi ni Jonatan sa tagadala niya ng mga sandata, “Sumama ka sa akin at liligid tayo sa kabila ng kampo ng mga Filisteo.” Si Saul noon ay nasa labas ng Gibea, sa ilalim ng isang puno ng granada sa Micron, kasama ang may animnaraang tauhan. Naroon din ang paring si Ahias na anak ni Ahitob, kapatid ni Icabod at apo ni Finehas na anak naman ni Eli, ang pari ni Yahweh sa Shilo. Dala ni Ahias ang efod. Walang nakaalam sa lakad nina Jonatan. Ang magkabila ng daanang binabantayan ng mga Filisteo ay mataas na bato; Bozez ang tawag sa isang panig, at Sene naman ang kabila. Ang isa ay nasa gawing hilaga, sa tapat ng Micmas at ang isa nama'y nasa timog, sa tapat ng Gibea. Sinabi ni Jonatan sa tagadala niya ng mga sandata, “Pumunta tayo sa kampo ng mga Filisteong ito. Natitiyak kong tutulungan tayo ni Yahweh at walang makakahadlang sa kanya. Pagtatagumpayin niya ang Israel sa pamamagitan ng marami o ng kakaunting tao.” Sumagot ang tagadala niya ng sandata, “Kayo po ang masusunod; kasama ninyo ako anuman ang mangyari.” “Mabuti kung gayon,” sabi ni Jonatan. “Tatawid tayo at magpapakita sa kanila. Kapag sinabi nilang hintayin natin sila, hindi tayo tutuloy ng paglapit sa kanila. Pero kapag sinabi nilang lumapit tayo, lalapit tayo sa kanila sapagkat iyon ang palatandaang sila'y ibinigay sa atin ni Yahweh.” At lumakad na silang dalawa. Nang matanaw sila ng mga Filisteo, sinabi ng mga ito, “Hayun, naglalabasan na sa lungga ang mga Hebreo.” At hiniyawan nila sina Jonatan, “Halikayo rito at may sasabihin kami sa inyo.” Sinabi ni Jonatan sa tagadala niya ng sandata, “Sumunod ka sa akin. Niloob ni Yahweh na sila'y mahulog sa kamay ng Israel.” Nagmamadali siyang umakyat sa matarik na bato, at sinalakay ang mga Filisteo. Bumabagsak ang bawat makaharap niya at ang mga ito'y pinapatay naman ng tagadala niya ng sandata. Dalawampu ang napatay nila sa pagsalakay na iyon sa may kalahating ektaryang pinaglabanan nila. Nasindak ang mga Filisteo, maging ang mga nasa lansangan, gayundin ang mga nasa kampo. Nayanig ang lupa at hindi nila malaman ang gagawin. Nakita ng mga kawal ni Saul sa Gibea ang pagkakagulo ng mga Filisteo. Sinabi ni Saul sa kanyang mga kasama, “Tingnan nga ninyo kung sino ang wala sa atin.” Tiningnan nila at natuklasan nilang wala si Jonatan at ang tagadala nito ng sandata. At sinabi ni Saul kay Ahias, “Dalhin mo rito ang efod.” Si Ahias nga ang may dala ng efod noon. Samantalang kinakausap ni Saul ang pari, palubha naman nang palubha ang kaguluhan ng mga Filisteo, kaya sinabi ni Saul sa pari, “Huwag mo nang ituloy ang pagsangguni sa Diyos.” Sinalakay ni Saul at ng kanyang mga tauhan ang mga Filisteo na dinatnan nilang nagkakagulo, sila-sila'y nagtatagaan. Ang mga Hebreo namang kasama ng mga Filisteo ay pumanig na sa mga Israelita. Pati ang mga Israelitang nagtatago sa kabundukan ng Efraim ay sumama na rin sa pagsalakay sa mga Filisteo. Ang labanan ay umabot sa kabila ng Beth-aven at nang araw na iyon, iniligtas ni Yahweh ang Israel. Ang mga Israelita ay nanghihina na sa gutom nang araw na iyon. Ngunit walang mangahas kumain sapagkat mahigpit na ipinagbawal ni Saul ang tumikim ng pagkain bago lumubog ang araw hanggang hindi nila nalilipol ang mga kaaway. Nakarating sila sa isang kagubatan na sagana sa pulot. Pagpasok nila rito, nakita nilang umaagos ang pulot ngunit ni hindi sila tumikim dahil natatakot sila sa sumpa ni Saul. Palibhasa'y hindi alam ni Jonatan ang tungkol sa sumpa ng kanyang ama, itinubog niya sa pulot ang kanyang tungkod, at sinipsip ito. At nagliwanag ang kanyang paninging nanlabo na dahil sa gutom at pagod. Sinabi sa kanya ng isa sa mga Israelita, “Mahigpit pong ipinagbabawal ng iyong ama ang tumikim ng pagkain sa araw na ito. Kaya latang-lata na ang mga tao.” Sinabi ni Jonatan, “Bakit pinahihirapan ng aking ama ang mga tao? Heto at nagliwanag ang aking paningin nang tumikim ako ng pulot. Gaano pa kaya kung ang mga tao'y pababayaang kumain ng mga pagkaing nasamsam nila. Lalo sanang madadali ang paglipol sa mga Filisteo.” Nang araw na iyon, ang mga Filisteo'y nalupig ng mga Israelita mula sa Micmas hanggang Ahilon, ngunit lambot na lambot na sila sa gutom. Kaya, nagmamadali silang humuli ng mga hayop ng mga Filisteo. Nagpatay sila ng mga tupa, baka at mga guya. Dahil sa gutom, kinain ang mga ito nang hindi na nakuhang alisan ng dugo. May nagsumbong kay Saul na ang hukbo'y gumagawa ng malaking kasalanan kay Yahweh; kumakain sila ng karneng may dugo. Kaya't sinabi ni Saul, “Ito'y isang malaking kataksilan! Igulong ninyo rito ang isang malaking bato, ngayon din. Sabihin ninyo sa mga tao na magdala rito ng baka o tupa at dito nila papatayin at kakanin para hindi sila magkasala kay Yahweh dahil sa pagkain ng dugo.” Kinagabihan, ang mga Israelita'y nagdala ng mga baka at doon pinatay. Si Saul nama'y nagtayo ng altar para kay Yahweh; ito ang unang altar na kanyang ginawa. Sinabi ni Saul sa kanyang mga tauhan, “Mamayang gabi, lulusubin natin ang mga Filisteo at lilipulin natin sila hanggang sa mag-umaga; wala tayong ititirang buháy sa kanila.” Sumagot sila, “Kayo po ang masusunod.” Ngunit sinabi ng pari, “Sumangguni muna tayo sa Diyos.” Sumangguni nga si Saul sa Diyos, “Lulusubin na po ba namin ang mga Filisteo? Pagtatagumpayin po ba ninyo kami?” Ngunit hindi siya sinagot ng Diyos. Kaya't sinabi niya, “Magsama-sama ang lahat ng pinuno ng Israel para malaman natin kung sino ang nagkasala. Sinuman siya ay tiyak na papatayin kahit na ang anak kong si Jonatan. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy at tagapagligtas ng Israel.” Walang umimik isa man sa mga Israelita. Sinabi ni Saul, “Magsama-sama kayo sa isang panig at kami naman ni Jonatan sa kabila.” Sumagot ang mga tao, “Kayo po ang masusunod.” Pagkatapos, tumingala si Saul at sinabi, “Yahweh, Diyos ng Israel, bakit hindi kayo sumagot ngayon sa inyong lingkod? Kung ang nagkasala'y alinman sa amin ni Jonatan, ipabunot ninyo sa amin ang Urim. Ngunit kung ang mga tao ang nagkasala, ipabunot ninyo ang Tumim.” Nang gawin ang palabunutan, lumitaw na ang nagkasala'y ang panig nina Saul at Jonatan; walang dapat panagutan ang mga tao. Sinabi ni Saul, “Gagawin ngayon ang palabunutan para malaman kung sino sa amin ni Jonatan ang nagkasala.” At si Jonatan ang lumitaw na may kasalanan. Dahil dito, tinanong ni Saul si Jonatan, “Magsabi ka ng totoo, ano ang ginawa mo?” Sumagot siya, “Itinubog ko ang aking tungkod sa pulot at ito'y aking tinikman. Kung kailangan akong patayin dahil doon, nakahanda po akong mamatay.” Sinabi ni Saul, “Gawin ng Diyos ang nararapat sa iyo at sa akin; mamamatay ka, Jonatan.” Sumagot ang mga tao, “Papatayin ba si Jonatan na nanguna sa pagtatagumpay ng Israel? Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, isa mang buhok niya'y hindi malalaglag sapagkat siya ang kinasangkapan ngayon ng Diyos upang magtagumpay ang Israel.” Hindi nga pinatay si Jonatan sapagkat iniligtas siya ng mga Israelita. Tinigilan na ni Saul ang paghabol sa mga Filisteo; ang mga ito nama'y bumalik na sa kanilang teritoryo. Sa panahon ng paghahari ni Saul sa Israel, nakalaban niya ang lahat niyang mga kaaway sa magkabi-kabilang panig. Ito'y ang mga Moabita, Ammonita, Edomita, Sobita at mga Filisteo. Nagtatagumpay siya saanman siya mapalaban. Lalong kinilala ang kanyang kapangyarihan nang talunin niya ang mga Amalekita, at patuloy na ipagtanggol ang Israel laban sa mga nagtatangkang sumakop dito. Ito ang mga anak ni Saul: ang tatlong lalaki ay sina Jonatan, Isui at Melquisua; ang mga babae nama'y sina Merab at Mical. Ang asawa ni Saul ay si Ahinoam na anak ni Ahimaaz. Ang pinuno ng kanyang hukbo ay si Abner na anak ng tiyo niyang si Ner na kapatid ng ama niyang si Kish at anak naman ni Abiel. Sa buong panahon ng paghahari ni Saul, naging mahigpitan ang labanan nila ng mga Filisteo. Kaya lahat ng lalaking makita niyang matapang at malakas ay isinasama niya sa kanyang hukbo. Sinabi ni Samuel kay Saul, “Isinugo ako ni Yahweh upang hirangin ka bilang hari ng Israel. Kaya't pakinggan mo ang mensahe ni Yahweh. Ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ‘Paparusahan ko ang Amalek tulad ng ginawa niya sa Israel nang ito'y inilalabas ko sa Egipto. Lusubin mo ang Amalek at lipulin silang lahat. Wasakin mo ang lahat nilang ari-arian at huwag magtitira kahit isa. Patayin mo silang lahat, babae't lalaki, mula sa pinakamatanda hanggang sa sanggol. Patayin mo rin ang kanilang mga baka, tupa, kamelyo at asno.” Kaya't tinipon ni Saul sa Telaim ang buong hukbo ng Israel. Nang bilangin niya'y umabot ito sa dalawampung libong mga kawal, bukod pa sa sampung libo buhat sa Juda. Pinangunahan niya ang mga ito papunta sa Lunsod ng Amalek. Nag-abang sila sa isang natuyong ilog na malapit doon at nagpasugo sa mga Cineo at ipinasabi niya, “Umalis na kayo riyan. Humiwalay kayo sa mga Amalekita para hindi kayo madamay sa kanila sapagkat pinagpakitaan ninyo kami ng mabuti sa aming paglalakbay mula sa Egipto.” Kaya't umalis ang mga Cineo. Sinalakay nina Saul ang mga Amalekita at tinalo ang mga ito mula sa Avila hanggang sa Sur, sa silangan ng Egipto. Nilipol niya ang mga taong-bayan ngunit binihag nang buháy si Haring Agag. Hindi rin pinatay nina Saul ang magagandang baka, tupa at lahat ng matatabang hayop doon; ang pinatay lang nila ay lahat ng hindi na papakinabangan. Sinabi ni Yahweh kay Samuel, “Nanghihinayang ako sa pagkapili ko kay Saul bilang hari sapagkat tinalikuran niya ako at sinuway ang aking mga utos.” Nagalit si Samuel, at magdamag siyang nanalangin kay Yahweh. Kinabukasan, maaga siyang bumangon upang makipagkita kay Saul. Ngunit may nagsabi sa kanya na nagpunta ito sa Carmelo upang magpatayo ng sariling monumento, at pagkatapos ay nagtuloy sa Gilgal. Sumunod siya roon at nang makita siya ni Saul ay binati siya, “Pagpalain ka ni Yahweh. Sinunod kong lahat ang utos niya.” Itinanong ni Samuel, “Ano itong naririnig kong iyakan ng mga tupa at unga ng mga baka?” Sumagot si Saul, “Kinuha iyan ng mga tauhan ko sa Amalek. Kinuha nila ang pinakamainam na tupa at baka upang ihandog kay Yahweh. Ang mga walang halaga ay pinatay namin.” Sinabi ni Samuel, “Tumigil ka! Pakinggan mo ang sinabi sa akin ni Yahweh kagabi.” “Ano iyon?” tanong ni Saul. Sinabi ni Samuel, “Noong una, napakaliit pa ng tingin mo sa iyong sarili. Ngayon, ikaw ang namumuno sa Israel sapagkat pinili ka ni Yahweh at binuhusan ng langis upang maging hari. Inutusan ka niyang lusubin ang masamang bayan ng Amalek at mahigpit na ipinagbiling puksain ang mga ito. Bakit mo sinuway ang utos ni Yahweh? Bakit mo pinag-imbutan ang mga ito? Hindi mo ba alam na ang ginawa mo'y malaking kasalanan kay Yahweh?” Sumagot si Saul, “Sinunod ko si Yahweh. Pumunta ako sa pinapuntahan niya sa akin. Binihag ko si Agag na hari ng Amalek at nilipol ang mga Amalekita. Ngunit pinili ng mga tao ang pinakamaiinam sa mga tupa at baka at hindi namin pinatay kasama ng iba, sa halip ay iniuwi namin sa Gilgal upang ihandog kay Yahweh.” Sinabi ni Samuel, “Akala mo ba'y higit na magugustuhan ni Yahweh ang handog at hain kaysa ang pagsunod sa kanya? Mas mabuti ang pagsunod kay Yahweh kaysa paghahandog, at ang pakikinig ay higit sa haing taba ng tupa. Ang pagsuway sa kanya ay kasinsama ng pangkukulam, at ang katigasan ng ulo'y tulad ng pagsamba sa diyus-diyosan. Sapagkat itinakwil mo ang salita ni Yahweh, itinakwil ka rin niya bilang hari.” Sinabi ni Saul kay Samuel, “Nagkasala ako! Sinuway ko nga ang utos ni Yahweh at ang bilin mo sa akin. Nagawa ko ito sapagkat natakot ako sa aking mga tauhan, kaya't pinagbigyan ko ang kanilang kagustuhan. Ngayon ay nakikiusap ako sa iyo na patawarin mo na ang aking kasalanan at samahan mo ako sa pag-uwi upang ako'y makasamba kay Yahweh.” Sinabi ni Samuel, “Hindi kita masasamahan sapagkat sinuway mo ang utos ni Yahweh. Itinakwil ka na niya bilang hari ng Israel.” Tumalikod si Samuel upang umalis, ngunit hinawakan ni Saul ang laylayan ng damit nito at napunit ang kapiraso nito. Sinabi ni Samuel kay Saul, “Sa araw na ito, tinanggal na sa iyo ni Yahweh ang pagiging hari ng Israel, at ibinigay na ito sa isang taong mas mabuti kaysa iyo. Ang maluwalhating Diyos ng Israel ay hindi nagsisinungaling at hindi nagbabago ng pag-iisip. Hindi siya tulad ng tao na nagbabago ng pag-iisip.” Sumagot si Saul, “Nagkasala nga ako ngunit sa pagkakataong ito'y ipinapakiusap sa iyo, bigyan mo ako kahit kaunting karangalan sa harapan ng matatandang pinuno at ng buong bayang Israel. Samahan mo na akong bumalik upang sumamba kay Yahweh na iyong Diyos.” Sumama si Samuel at si Saul nama'y sumamba kay Yahweh. Sinabi ni Samuel, “Dalhin dito si Agag, ang hari ng Amalek.” Mabigat ang mga paang humarap sa kanya si Agag at nanginginig na sinabi nito, “Siguro nama'y hindi ninyo ako papatayin.” Sumagot si Samuel, “Kung paanong nawalan ng anak ang maraming ina dahil sa iyong tabak, ang iyong ina naman ang mawawalan ngayon ng anak.” At si Agag ay pinagputul-putol ni Samuel sa harap ng altar ni Yahweh sa Gilgal. Pagkatapos nito'y umuwi si Samuel sa Rama, si Saul naman ay sa Gibea. Mula noon, hindi na siya muling nakipagkita kay Saul; subalit ikinalungkot din niya ang nangyari kay Saul. Si Yahweh naman ay nanghinayang sa pagkapili niya kay Saul bilang hari. Sinabi ni Yahweh kay Samuel, “Hanggang kailan ka malulungkot para kay Saul? Itinakwil ko na siya bilang hari ng Israel. Ngayo'y magdala ka ng langis at pumunta ka kay Jesse na taga-Bethlehem sapagkat pinili ko upang maging hari ang isa sa kanyang mga anak.” Sumagot si Samuel, “Paano ako pupunta roon? Tiyak na papatayin ako ni Saul kapag nalaman niya ang dahilan ng pagpunta ko roon.” Sinabi ni Yahweh, “Magdala ka ng isang dumalagang baka at sabihin mong maghahandog ka kay Yahweh. Anyayahan mo si Jesse sa paghahandog at ituturo ko sa iyo kung ano ang gagawin mo at kung sino ang papahiran mo ng langis.” Sinunod ni Samuel ang utos sa kanya ni Yahweh; nagpunta nga siya sa Bethlehem. Siya'y sinalubong ng matatandang pinuno sa lunsod at nanginginig na nagtanong, “Sa ikabubuti ba namin ang inyong pagparito?” “Oo,” sagot niya. “Naparito ako upang maghandog kay Yahweh. Ihanda ninyo ang inyong sarili at sumama kayo sa akin.” Pinahanda rin niya si Jesse at ang mga anak nito, at inanyayahan din sila sa paghahandog. Nang makarating na sila, nakita ni Samuel si Eliab. Pinagmasdan niya ito at sinabi sa sarili, “Ito na nga ang pinili ni Yahweh para maging hari.” Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, “Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan sapagkat hindi siya ang pinili ko. Si Yahweh'y hindi tumitingin nang katulad ng pagtingin ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit sa puso tumitingin si Yahweh.” Pagkaraan ni Eliab, tinawag ni Jesse si Abinadab at pinaraan din ito sa harapan ni Samuel. Ngunit sinabi ni Samuel, “Hindi rin siya ang pinili ni Yahweh.” Tinawag ni Jesse si Samma, ngunit sinabi rin ni Samuel na hindi ito ang pinili ni Yahweh. Isa-isang tinawag ni Jesse ang pito niyang anak ngunit wala sa kanila ang pinili ni Yahweh. Kaya't tinanong ni Samuel si Jesse, “Mayroon ka pa bang anak na wala rito?” “Mayroon pang isa; ang bunso na nagpapastol ng mga tupa,” sagot ni Jesse. Sinabi ni Samuel, “Ipasundo mo siya. Hindi natin sisimulan ang paghahandog hangga't hindi siya dumarating.” At sinundo nga ang anak na ito ni Jesse. Siya'y makisig na binatilyo, malusog at maganda ang mga mata. At sinabi ni Yahweh kay Samuel, “Siya ang pinili ko; buhusan mo siya ng langis.” Kinuha ni Samuel ang sungay na sisidlan ng langis, at binuhusan niya si David ng langis sa harapan ng kanyang mga kapatid. At nilukuban si David ng Espiritu ni Yahweh. Mula noon, sumakanya na ang Espiritu ni Yahweh. Pagkatapos, si Samuel ay bumalik naman sa Rama. Samantala, ang Espiritu ni Yahweh ay umalis na kay Saul at sa pahintulot ni Yahweh, isang masamang espiritu naman ang nagpahirap kay Saul. Sinabi sa kanya ng kanyang mga lingkod, “Pinahihirapan kayo ng isang masamang espiritu galing sa Diyos. Kung gusto po ninyo, ihahanap namin kayo ng isang taong mahusay tumugtog ng alpa. Kapag pinahihirapan kayo ng masamang espiritu, patugtugin ninyo siya upang maaliw kayo.” Sinabi ni Saul, “Sige, ihanap ninyo ako.” Isa sa mga lingkod na naroon ang nagsabi, “Si Jesse na isang taga-Bethlehem ay may isang anak na magaling tumugtog. Siya po ay matapang na mandirigma, mahusay magsalita at magandang lalaki. Nasa kanya si Yahweh.” Kaya't nagpadala ng mga sugo si Saul kay Jesse at ipinasabi, “Papuntahin mo sa akin ang anak mong si David, ang pastol ng iyong mga tupa.” Ganoon nga ang ginawa ni Jesse. Pinagdala pa niya si David ng isang sisidlang puno ng alak, isang batang kambing at isang asnong may kargang tinapay upang ibigay kay Saul. Naglingkod si David kay Saul at nagustuhan naman niya ito, kaya ito'y ginawa niyang tagapagdala ng kanyang sandata. Ipinasabi ni Saul kay Jesse, “Bayaan mong maglingkod sa akin si David sapagkat napamahal na siya sa akin.” At tuwing dumarating kay Saul ang masamang espiritu mula sa Diyos, kinukuha ni David ang alpa at tinutugtugan niya ang hari. Si Saul naman ay naaaliw; umaalis sa kanya ang masamang espiritu at siya'y gumagaling. Nagsama-sama ang mga hukbong Filisteo sa Soco na sakop ng Juda upang lusubin ang Israel. Nagkampo sila sa Efes-Dammim na nasa pagitan ng Soco at Azeka. Si Saul naman at ang mga Israelita ay nagkampo sa may libis ng Ela, at doo'y naghanda sila sa pakikipaglaban sa mga Filisteo. Magkaharap ang dalawang pangkat: ang mga Filisteo'y nasa isang burol, at nasa kabila naman ang mga Israelita; isang libis ang nakapagitan sa kanila. Isang pangunahing mandirigma ang lumabas mula sa kampo ng mga Filisteo. Ang pangalan niya'y Goliat, at siya'y mula sa lunsod ng Gat. Ang kanyang taas ay halos tatlong metro. Hinamon niya ang mga Israelita na makipaglaban sa kanya. Tanso ang kanyang helmet, gayundin ang kanyang kasuotang pandigma na tumitimbang ng 57 kilo. Tanso rin ang nakabalot sa kanyang binti at hita, pati ang tabak na nakasakbat sa kanyang balikat. Ang hawakan ng sibat niya'y napakalaki at ang bakal naman na tulis nito ay tumitimbang ng dalawampung libra. Nasa unahan niya ang tagadala ng kanyang kalasag. Sumigaw si Goliat sa mga Israelita, “Bakit nakahanay kayong lahat diyan para lumaban? Ako'y isang Filisteo at kayo nama'y mga alipin ni Saul. Pumili na lang kayo ng ilalaban sa akin. Kapag ako'y natalo, alipinin ninyo kaming lahat; ngunit kapag siya naman ang natalo, kayo ang aalipinin namin. Hinahamon ko ngayon ang hukbo ng Israel. Pumili kayo ng ilalaban ninyo sa akin!” Nang marinig ito ni Saul at ng mga Israelita, nanghina ang kanilang loob at sila'y natakot. Si David ay anak ni Jesse na isang Efratita mula sa Bethlehem, Juda. Nang panahong iyon, si Jesse ay mahina na dahil sa katandaan. Walo ang anak niyang lalaki; Si David ang pinakabata. Sina Eliab, Abinadab at Samma, ang tatlong pinakamatatanda niyang anak ay kasama ni Saul sa labanan. Habang sila'y kasama ni Saul, ang bunso namang si David ay pabalik-balik kay Saul at sa Bethlehem para alagaan ang mga tupa ng kanyang ama. Sa loob ng apatnapung araw, umaga't hapong hinahamon ni Goliat ang mga Israelita. Isang araw, inutusan ni Jesse si David, “Anak, dalhin mo agad itong limang salop ng sinangag na trigo at sampung tinapay sa iyong mga kapatid na nasa kampo. Ibigay mo naman ang sampung hiwang kesong ito sa pinuno nila. Tingnan mo na rin ang kalagayan nila at ibalita mo sa akin. Mag-uwi ka ng kahit anong bagay na makapagpapatunay na galing ka nga roon.” Ang tatlong anak ni Jesse ay kasama nga ni Saul at ng mga Israelita sa libis ng Ela at nakikipaglaban sa mga Filisteo. Kinabukasan, maagang bumangon si David. Ipinagbilin niya sa iba ang mga tupang inaalagaan at nagpunta sa lugar ng labanan, dala ang pagkaing ipinabibigay ng kanyang ama. Nang dumating siya sa kampo, palusob na ang buong hukbo at isinisigaw ang kanilang sigaw pandigma. Nagharap na ang mga pangkat ng Israelita at ng mga Filisteo. Iniwan ni David sa tagapag-ingat ng kagamitan ang kanyang dala at tumuloy siya sa lugar ng labanan upang kumustahin ang kanyang mga kapatid. Samantalang sila'y nag-uusap, tumayo na naman si Goliat sa unahan ng mga Filisteo at muling hinamon ang mga Israelita. Narinig ito ni David. Nang makita si Goliat, ang mga Israelita ay nagtakbuhan dahil sa matinding takot. Sinabi nila, “Tingnan ninyo siya! Pakinggan ninyo ang kanyang hamon sa Israel! Sinumang makapatay sa kanya ay gagantimpalaan ng hari: bibigyan ng kayamanan, ipakakasal sa prinsesa, at ang buong sambahayan ng kanyang ama ay hindi na pagbabayarin pa ng buwis.” Tinanong ni David sa mga katabi niya, “Ano raw ang gantimpala sa sinumang makakapatay sa Filisteong iyan at sa makakapag-alis ng kahihiyan sa Israel? At sino ba ang paganong ito na humahamon sa hukbo ng Diyos na buháy?” “Tulad ng narinig mo, ganoon ang gagawin ng hari sa makakapatay sa Filisteong iyan,” sagot ng mga kausap niya. Narinig ni Eliab, ang panganay na kapatid ni David ang pakikipag-usap niya sa mga kawal. Nagalit ito kay David at sinabi, “Anong ginagawa mo rito? At kanino mo iniwan ang iilang tupa na pinapaalagaan sa iyo? Alam ko kung anong nasa isip mo! Gusto mo lang manood ng labanan.” Sumagot si David, “Bakit, ano ba ang ginawa ko? Masama bang magtanong?” Tinalikuran niya si Eliab at nagtanong sa iba, ngunit ganoon din ang sagot sa kanya. Nakarating kay Saul ang mga sinabi ni David at ipinatawag niya ito. Pagdating kay Saul, sinabi ni David, “Hindi po tayo dapat masiraan ng loob dahil lang sa Filisteong iyon. Ako po ang lalaban sa kanya.” Sinabi ni Saul, “Hindi mo kaya ang Filisteong iyon! Batambata ka pa, samantalang siya'y isang mahusay na mandirigma mula pa sa kanyang kabataan.” Ngunit sinabi ni David kay Saul, “Ako po ang nag-aalaga sa kawan ng aking ama. Kapag ang isa sa mga tupang inaalagaan ko ay tinatangay ng leon o oso, hinahabol ko po ito at inaagaw ang tupa. Kapag hinarap ako ng leon o ng oso, hinahawakan ko ito sa panga at pinapatay. Nakapatay na po ako ng mga leon at mga oso. Isasama ko po sa mga ito ang Filisteong iyon sapagkat ang nilalait niya'y ang hukbo ng Diyos na buháy.” Idinugtong pa ni David, “Iniligtas ako ni Yahweh mula sa mga mababangis na leon at mga oso. Ililigtas din niya ako sa kamay ng Filisteong iyon.” Kaya't sinabi ni Saul, “Kung gayon, labanan mo siya at samahan ka nawa ni Yahweh.” At ipinasuot niya kay David ang kanyang kasuotang pandigma: ang helmet at ang tansong pambalot sa katawan. Nang maisakbat na ni David ang tabak ni Saul at sinubukang lumakad, hindi siya halos makahakbang sapagkat hindi siya sanay sa ganoong kasuotan. Kaya sinabi niya kay Saul, “Hindi ko na po gagamitin ang mga ito.” At hinubad niya ang nasabing kasuotang pandigma. Pagkatapos, dinampot niya ang kanyang tungkod. Namulot siya ng limang makikinis na bato sa sapa, inilagay sa kanyang supot na pampastol at lumakad upang harapin si Goliat. Si Goliat naman ay lumakad ding papalapit kay David, sa hulihan ng tagadala ng kanyang panangga. Nang makita niyang si David ay isa lamang kabataang may maamong hitsura, nilait niya ito, at pakutyang tinanong, “Anong akala mo sa akin? Aso ba ang lalabanan mo at may dala kang patpat?” At si David ay sinumpa ng Filisteo sa pangalan ng kanyang diyos. Sinabi pa niya, “Halika nga rito at nang maipakain ko ang bangkay mo sa mga ibon at mga hayop.” Sumagot si David, “Ang dala mo'y tabak, sibat at pantusok, ngunit lalabanan kita sa pangalan ni Yahweh, ang Makapangyarihang Diyos ng Israel na iyong hinahamak. Ngayong araw na ito'y ibibigay ka ni Yahweh sa aking mga kamay! Pababagsakin kita at pupugutin ko ang ulo mo. At ipapakain ko sa mga ibon at sa mga mababangis na hayop ang mga bangkay ng mga kawal ng hukbong Filisteo. Sa gayon, malalaman ng buong daigdig na may Diyos sa Israel. At makikita ng lahat ng narito na makakapagligtas si Yahweh kahit walang tabak at sibat. Kay Yahweh ang labanang ito at ibinigay na niya kayo sa aming mga kamay.” Nagpatuloy ng paglapit si Goliat. Patakbo siyang sinalubong ni David sa lugar ng labanan. Dumukot siya ng bato sa kanyang supot at tinirador niya si Goliat. Tinamaan ito sa noo at bumaon ang bato roon. Si Goliat ay pasubsob na bumagsak sa lupa. Natalo nga ni David si Goliat sa pamamagitan ng tirador at bato. Napatay niya ito kahit wala siyang tabak. Patakbong lumapit si David, tumayo sa likod ni Goliat, hinugot ang tabak ni Goliat mula sa suksukan nito, at pinugutan ng ulo. Nang makita ng mga Filisteo na patay na ang kanilang pangunahing mandirigma, sila'y nagtakbuhan. Sumigaw ang mga kawal ng Israel at Juda at hinabol nila ang mga Filisteo hanggang sa Gat, sa may pagpasok ng Ekron. Naghambalang sa daan ang bangkay ng mga Filisteo, mula sa Saaraim hanggang sa Gat at Ekron. At nang magbalik ang mga Israelita buhat sa paghabol sa mga Filisteo, hinalughog nila ang kampo ng mga ito at kinuha ang lahat ng kanilang magustuhan. Dinala ni David sa Jerusalem ang ulo ni Goliat, ngunit iniuwi niya sa kanyang tolda ang mga sandata nito. Nakita ni Saul nang sinusugod ni David si Goliat. Itinanong niya sa pinuno ng kanyang hukbo, “Abner, kaninong anak ang batang iyon?” “Hindi ko po alam, Kamahalan,” sagot ni Abner. “Kung gayo'y ipagtanong mo kung sino ang kanyang ama,” utos ng hari. Nang magbalik si David, sinalubong siya ni Abner at sinamahan sa hari, dala pa rin ang ulo ni Goliat. At tinanong siya ni Saul, “Kanino kang anak, binata?” Sumagot si David, “Anak po ako ni Jesse na taga-Bethlehem.” Matapos mag-usap sina Saul at David, ang kalooban ni Jonatan na anak ni Saul ay napalapit kay David. Napamahal si David kay Jonatan tulad ng pagmamahal nito sa kanyang sarili. Mula noon, hindi na pinauwi ni Saul si David. Dahil sa pagmamahal ni Jonatan kay David, isinumpa niya na sila'y magiging magkaibigan habang buhay. Ibinigay niya kay David ang kanyang balabal at kagamitang pandigma, pati ang kanyang tabak, pana at sinturon. Nagtatagumpay si David kahit saang labanan siya ipadala ni Saul, kaya siya'y ginawa nitong pinuno ng mga kawal. Ang pagkataas niya sa tungkulin ay ikinagalak ng buong Israel, mula sa pangkaraniwang mamamayan hanggang sa mga opisyal sa palasyo. Matapos mapatay ni David si Goliat, nagbalik na si Haring Saul at ang kanyang mga tauhan. Sa bawat bayang madaanan nila, sinasalubong sila ng mga kababaihang umaawit at sumasayaw sa saliw ng mga tamburin at alpa. Ganito ang kanilang awit: “Pumatay si Saul ng libu-libo, si David nama'y sampu-sampung libo.” Hindi nagustuhan ni Saul ang sinasabi sa awit. Labis niya itong ikinagalit at sinabi niya, “Kung sinasabi nilang sampu-sampung libo ang pinatay ni David at ako'y libu-libo lang, kulang na lamang na siya'y kilalanin nilang hari.” At mula noon ay naging masama ang kanyang pagtingin kay David. Kinabukasan, si Saul ay muling ginambala ng masamang espiritu at naging parang baliw. Kaya, tinugtog ni David ang kanyang alpa, tulad ng ginagawa niya araw-araw. Hawak noon ni Saul ang kanyang sibat at dalawang beses niyang sinibat si David sapagkat gusto niya itong patayin, ngunit parehong nailagan iyon ni David. Si Saul ay natakot kay David sapagkat si David na ang pinapatnubayan ni Yahweh at hindi na siya. Kaya, para mapalayo ito sa kanya, ginawa niya itong pinuno ng sanlibong kawal. Pinangunahan ni David ang kanyang mga tauhan at anuman ang kanyang gawin ay nagtatagumpay siya sapagkat pinapatnubayan siya ni Yahweh. Dahil dito, lalong natakot sa kanya si Saul. Sa kabilang dako, si David ay lalong napamahal sa buong Israel at Juda dahil sa kanyang matagumpay na pamumuno. Minsa'y sinabi ni Saul kay David, “Ipakakasal ko sa iyo ang anak kong si Merab kung maglilingkod ka sa akin nang tapat at buong giting mong ipagtatanggol ang bayan ng Diyos.” Ngunit ang talagang nais niya ay mapatay ng mga Filisteo si David upang mawala na ito sa kanyang landas. Sumagot si David, “Sino ang aking mga magulang at sino ako upang maging manugang ng hari?” Ngunit nang dumating ang araw na dapat tuparin ni Saul ang pangako niya kay David, ipinakasal niya si Merab kay Adriel na taga-Meholat. Si Saul ay may isa pang anak na babae, si Mical. Umiibig siya kay David at natuwa si Saul nang malaman ito. Sa loob-loob niya, “Si Mical ang gagamitin ko upang maipapatay ko si David sa mga Filisteo.” Kaya't muli niyang sinabi kay David, “Ngayo'y talagang magiging manugang na kita.” Kinausap pa ni Saul ang kanyang mga tauhan sa palasyo upang hikayatin si David. Ipinasabi niya, “Gustung-gusto ka ng hari, pati ng kanyang mga tauhan, kaya pumayag ka nang maging manugang niya.” Nang marinig ito ni David, sumagot siya, “Maaari ba akong maging manugang ng hari gayong ako'y mahirap lamang at walang maipagmamalaki?” Sinabi nila kay Saul ang sagot ni David. Ipinasabi naman uli ni Saul, “Sabihin ninyo na wala akong hihinging dote kundi sandaang balat na pinagtulian ng mga Filisteo bilang paghihiganti sa kaaway.” Iniisip ni Saul na ito na ang pagkakataong mapatay ng mga Filisteo si David. Nang marinig niya ito, natuwa siya sapagkat kung magawâ niya ito ay maaari na siyang maging manugang ng hari. At bago dumating ang takdang araw, nilusob niya at ng kanyang mga tauhan ang mga Filisteo at nakapatay sila ng dalawandaan. Ang mga balat na pinagtulian ng mga ito'y dinala niya sa hari. Dahil dito, ipinakasal sa kanya si Mical. Lalong naniwala si Saul na si David ay pinapatnubayan ni Yahweh at nakita niya kung gaano ito kamahal ng anak niyang si Mical. Kaya't lalong natakot si Saul kay David. Mula noon, itinuring na niya itong kaaway. Si David ay nagtatagumpay tuwing makikipaglaban sa mga Filisteo. At sa lahat ng tauhan ni Saul, siya ang nagkamit ng pinakamaraming tagumpay. Kaya, lalo siyang napatanyag. Minsan, nasabi ni Saul sa anak niyang si Jonatan at sa kanyang mga tauhan ang balak niyang pagpatay kay David. Ngunit mahal ni Jonatan si David, kaya sinabi niya rito ang balak ng kanyang ama. Ang sabi niya, “Pinagbabalakan kang patayin ng aking ama. Bukas ng umaga, magtago ka sa isang lihim na lugar. Yayayain ko naman ang aking ama sa may pinagtataguan mo at kakausapin ko tungkol sa iyo. Pagkatapos naming mag-usap sasabihin ko agad sa iyo ang anumang sasabihin niya.” Kinausap nga ni Jonatan ang kanyang ama tungkol kay David. “Ama, huwag po sana ninyong gawan ng masama si David sapagkat wala naman siyang ginagawang masama sa inyo. Sa halip, malaki nga ang pakinabang ninyo sa kanya. Itinaya niya ang kanyang buhay nang harapin niya si Goliat at niloob naman ni Yahweh na magtagumpay siya para sa Israel. Alam ninyo ito at inyo pang ipinagdiwang. Bakit ninyo gustong patayin ang isang taong walang kasalanan? Bakit gusto ninyong patayin si David nang wala namang sapat na dahilan?” Dahil dito, nagbago ng isip si Saul. Sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, hindi ko na siya papatayin.” Ang sagot na ito ng hari ay sinabi naman ni Jonatan kay David. Isinama pa siya ni Jonatan sa hari, at tulad ng dati, pinaglingkuran niya ito. Muling nagkaroon ng labanan ang mga Israelita at mga Filisteo. Sinalakay ni David ang mga Filisteo at natalo niya ang mga ito, kaya ang mga natirang buháy ay nagsitakas. Minsan, muling nilukuban si Saul ng isang masamang espiritu mula kay Yahweh. Nakaupo si Saul noon at hawak ang kanyang sibat samantalang si David ay tumutugtog ng alpa. Walang anu-ano'y sinibat niya si David ngunit nakailag ito at ang sibat ay tumusok sa dingding. Dahil dito, patakbong tumakas si David. Kinagabihan, pinabantayan ni Saul ang bahay ni David dahil balak niyang patayin ito kinabukasan. Kaya't sinabi ni Mical, “David, tumakas ka ngayong gabi, kung hindi'y papatayin ka nila bukas.” At pinaraan niya ito sa bintana para makatakas. Pagkatapos, kinuha ni Mical ang isang rebultong nasa bahay at siyang inihiga sa kanilang higaan. Ang ulo nito'y binalutan niya ng balahibo ng kambing, saka kinumutan. Nang dumating ang mga inutusan ni Saul upang kunin si David, sinabi ni Mical, “May sakit siya.” Pinabalik ni Saul ang kanyang mga sugo at pinagbilinan ng ganito, “Buhatin ninyo pati higaan niya at ako ang papatay sa kanya.” Nagbalik nga ang mga sugo ni Saul ngunit ang nakita nila sa higaan ay ang rebultong may buhok na balahibo ng kambing. Tinawag ni Saul si Mical, “Bakit mo ako nilinlang? Bakit mo pinatakas ang aking kaaway?” Sumagot si Mical, “Papatayin niya ako kung hindi ko siya pinabayaang tumakas.” Tumakas nga si David at nagpunta kay Samuel sa Rama. Sinabi niya rito ang lahat ng ginawa sa kanya ni Saul. Sumama siyang umuwi kay Samuel sa Nayot at doon nanirahan. May nagsabi kay Saul, “Si David ay nasa Nayot sa Rama.” Muling nagsugo ito ng mga tauhan upang hulihin si David. Ngunit nang makita ng mga sugo ni Saul ang mga propetang nagsisigawan at nagsasayawan sa pangunguna ni Samuel, nilukuban din sila ng Espiritu ng Diyos at sila'y nagsipagsigawan at nagsipagsayawan na tulad din ng mga propeta. Nang mabalitaan ito ni Saul, nagsugo siya ng isa pang pangkat ngunit natulad rin ito sa una. Nang magsugo naman siya ng pangatlong pangkat, ganoon din ang nangyari. Nang magkagayon, siya na mismo ang nagpunta sa Rama. Pagdating niya sa may malaking balon sa Secu, ipinagtanong niya kung saan makikita sina Samuel at David. Sinabi ng napagtanungan na sila'y nasa Nayot ng Rama. Kaya't nagpunta siya sa Rama. Subalit habang siya'y naglalakbay papuntang Nayot, nilukuban siya ng Espiritu ng Diyos. At siya'y nagsasayaw at nagsisigaw na tulad ng propeta hanggang sa makarating ng Nayot. Pagdating doon, hinubad niya ang kanyang kasuotan, nagsisigaw at nagsasayaw sa harapan ni Samuel. Dahil dito, nagsimula ang kasabihang, “Propeta na rin ba si Saul?” Si David ay tumakas sa Nayot ng Rama at nakipagkita kay Jonatan. Itinanong niya rito, “Ano ba ang nagawa kong masama? Ano ba ang kasalanan ko at nais akong patayin ng iyong ama?” Sumagot si Jonatan, “Hindi totoo iyan. Hindi ka na niya papatayin. Anumang balak niya ay sinasabi sa akin bago niya isagawa, at wala siyang nabanggit tungkol sa sinasabi mo. Kaya hindi ako naniniwalang gagawin niya iyon.” Sinabi ni David, “Hindi lamang niya sinasabi sa iyo sapagkat alam niyang magdaramdam ka dahil matalik tayong magkaibigan. Ngunit saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, alam ko ring ako'y nakabingit sa kamatayan.” Sinabi naman ni Jonatan, “Sabihin mo kung ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo.” Sumagot siya, “Bukas ay Pista ng Bagong Buwan, at dapat akong kumaing kasalo ng hari. Ngunit magtatago ako sa bukid hanggang sa ikatlong araw. Kapag hinanap niya ako, sabihin mong nagpaalam ako sa iyo dahil ang pamilya namin ay may taunang paghahandog ngayon sa Bethlehem. Kapag hindi siya nagalit, wala nga siyang masamang balak laban sa akin. Ngunit kapag nagalit siya, nais nga niya akong patayin. Hinihiling ko sa iyong tapatin mo ako alang-alang sa ating sumpaan sa harapan ni Yahweh. Kung may nagawa akong kasalanan, ikaw na ang pumatay sa akin! Huwag mo na akong iharap sa hari.” Sinabi ni Jonatan, “Hindi mangyayari iyon! Sasabihin ko kung may masamang balak sa iyo ang aking ama.” Itinanong ni David, “Paano ko malalaman kung masama ang kanyang sagot?” Sumagot si Jonatan, “Sumama ka sa akin sa bukid.” Pagdating doon, sinabi ni Jonatan, “Naririnig ako ni Yahweh. Bukas o sa makalawa, sa ganito ring oras, kakausapin ko ang aking ama at malalaman ko kung galit pa nga siya sa iyo. Kung galit, ipapaalam ko sa iyo para makalayo ka. Parusahan ako ni Yahweh kapag hindi ko ginawa ito. Patnubayan ka nawa ni Yahweh tulad ng pagpatnubay niya sa aking ama. Kung buháy pa ako sa araw na iyon, huwag mong kakalimutan ang ating pangako sa isa't isa. Kung ako nama'y patay na, huwag mo sanang pababayaan ang aking sambahayan. Kung dumating ang araw na lipulin na ni Yahweh ang iyong mga kaaway, huwag ka sanang sisira sa ating pangako. Parusahan sana ni Yahweh ang mga kaaway ni David.” Hiniling ni Jonatan na muling mangako si David na sila'y magiging tapat sa isa't isa. Minahal siya ni Jonatan tulad ng pagmamahal nito sa sarili. At sinabi ni Jonatan kay David, “Bukas ay Pista ng Bagong Buwan; tiyak na hahanapin ka kapag wala ka sa iyong upuan. Sa makalawa, magtago kang muli sa pinagtataguan mo noon, sa tabi ng malaking bunton ng bato. Kunwari ay may pinapana ako roon. Tatlong beses akong tutudla sa tabi ng taguan mo. Pagkatapos, ipapahanap ko iyon sa isa kong utusan. Kapag narinig mong sinabi ko, ‘Nasa gawi rito ang mga palaso,’ lumabas ka sa pinagtataguan mo. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, tiyak na wala nang panganib. Ngunit kapag sinabi kong, ‘Nasa gawi pa roon,’ tumakas ka na sapagkat iyon ang nais ni Yahweh. At tungkol naman sa ating pangako sa isa't isa, si Yahweh ang ating saksi.” Nagtago nga si David sa lugar na pinag-usapan nila ni Jonatan. Nang dumating ang Pista ng Bagong Buwan, dumulog sa hapag si Haring Saul at naupo sa dati niyang upuan, sa tabi ng dingding. Katapat niya si Jonatan at katabi naman si Abner, ngunit si David ay wala sa kanyang upuan. Nang araw na iyon, hindi pinansin ni Saul ang pagkawala ni David sapagkat inisip niyang maaaring may malaking dahilan o baka hindi ito malinis ayon sa kautusan. Ngunit kinabukasan, wala pa rin si David kaya tinanong niya si Jonatan, “Bakit mula kahapon ay hindi natin nakakasalo si David?” Sumagot si Jonatan, “Nagpaalam po siya sa akin kahapon at uuwi raw sa Bethlehem. May taunang paghahandog daw ang kanilang sambahayan at pinapauwi siya ng kanyang mga kapatid. Kung maaari raw ay payagan ko siya para makita ang kanyang mga kamag-anak. Kaya po hindi natin siya kasalo ngayon.” Nang marinig ang sinabi ni Jonatan, galit na galit niyang sinabi, “Isa kang suwail na anak! Ngayon ko natiyak na kampi ka kay David. Hindi mo ba alam na inilalagay mo sa kahihiyan ang iyong sarili, pati na rin ang iyong ina? Dapat mong malamang hangga't buháy ang David na iyan ay hindi mapapasaiyo ang kahariang ito? Lumakad ka ngayon, ipahuli mo siya at iharap sa akin para mapatay ko.” Sumagot si Jonatan, “Ano po ba ang kasalanan niya at dapat siyang patayin?” Sa galit ni Saul, sinibat niya si Jonatan. Kaya't natiyak nitong talagang gustong patayin ni Saul si David. Galit na umalis si Jonatan. Hindi siya kumain ng araw na iyon dahil sa sama ng loob sa ginawang paghamak ni Saul kay David. Kinaumagahan, nagpunta siya sa bukid na pinag-usapan nila ni David, kasama ang isa niyang lingkod na batang lalaki. Sinabi niya rito, “Hanapin mo itong pawawalan kong palaso.” Patakbong sumunod ang utusan at pinawalan ni Jonatan ang kanyang palaso sa unahan nito. Pagdating sa lugar na binagsakan ng palaso, humiyaw si Jonatan, “Nasa gawi pa roon.” Idinugtong pa niya, “Dalian mo, huwag ka nang magtagal diyan.” At nang makuha ng bata ang palaso, dali-dali itong nagbalik kay Jonatan. Wala siyang kaalam-alam sa pangyayari ngunit nagkakaintindihan na sina David at Jonatan. Pagkatapos, ang mga sandata ni Jonatan ay ipinauwi na niya sa kanyang batang lingkod. Nang makaalis ito, lumabas si David sa kanyang pinagtataguan at tatlong beses na yumuko na ang mukha'y sayad sa lupa. Kapwa sila lumuluha at hinagkan ang isa't isa. Hindi na mapigil ni David ang sarili at siya'y humagulgol. Pagkaraan ng ilang sandali, sinabi ni Jonatan, “Sige, lumakad ka na. Samahan ka nawa ng Diyos. Tulungan nawa tayo ni Yahweh na huwag masira ang ating pangako sa isa't isa, pati ang ating mga susunod na salinlahi magpakailanman.” At naghiwalay silang dalawa. Umalis na si David at umuwi naman sa lunsod si Jonatan. Si David ay nagpunta sa Nob at nagtuloy siya sa paring si Ahimelec. Sinalubong siya nito at nanginginig na tinanong, “Wala kang kasama? Bakit ka nag-iisa?” Sumagot si David, “Inutusan ako ng hari at ayaw niyang ipasabi kahit kanino. Iniwan ko ang aking mga kasama. Nagpapahintay ako doon sa kanila. Ano bang makakain diyan? Bigyan mo ako ng limang tinapay o kahit anong nariyan.” Sinabi ng pari, “Walang tinapay dito kundi ang panghandog. Maaari ko itong ibigay sa inyo kung ang mga kasamahan mo'y hindi sumiping sa babae bago magpunta rito.” Sumagot si David, “Ang totoo, hindi kami sumisiping sa babae kapag may lakad kami, kahit pangkaraniwan lamang, ngayon pa kaya na di karaniwan ang lakad namin?” At ibinigay ng pari kay David ang tinapay na panghandog sa harapan ni Yahweh upang ang mga ito'y palitan ng bago sa araw na iyon. Nagkataong naroon si Doeg na Edomita, ang pinakapuno sa mga pastol ni Saul, upang sumamba kay Yahweh. Tinanong pa ni David si Ahimelec, “Wala ka bang sibat o tabak diyan? Hindi ako nakapagdala kahit anong sandata sapagkat madalian ang utos ng hari.” Sumagot ang pari, “Ang tabak lamang ng Filisteong si Goliat na pinatay mo ang narito; nababalot ng damit at nakatago sa likod ng efod na nakasabit. Kunin mo kung gusto mo.” “Iyan ang pinakamainam. Ibigay mo sa akin,” sabi ni David. Nang araw na iyon, si David ay nagpatuloy ng pagtakas kay Haring Saul at siya'y nagpunta kay Aquis na hari ng Gat. Ngunit nakilala siya ng mga tauhan ni Aquis at sinabi nila, “Di ba't iyan si David na hari sa kanyang bayan? Siya ang tinutukoy ng mga mananayaw sa awit nilang, ‘Pumatay si Saul ng libu-libo, si David nama'y sampu-sampung libo.’” Pinag-isipang mabuti ni David ang usapang ito, at siya'y natakot sa maaaring gawin sa kanya ni Haring Aquis. Kaya't nagkunwari siyang baliw nang siya'y hulihin. Nagsusulat siya sa mga pader ng pintuang-bayan at hinahayaang tumulo ang kanyang laway. Kaya, sinabi ni Aquis sa kanyang mga tagapaglingkod, “Bakit iniharap ninyo iyan sa akin, hindi ba ninyo nakikita't baliw? Masakit na ang ulo ko sa dami ng baliw dito. Bakit idinagdag pa ninyo 'yang isang iyan? Ilayo ninyo iyan!” Mula sa Gat, tumakas si David at nagtago sa kuweba ng Adullam. Nabalitaan ito ng kanyang mga kapatid at ng kanyang buong pamilya kaya silang lahat ay nagpunta roon at sumama sa kanya. Sumama rin sa kanya ang mga inaapi, pati ang mga nakalubog sa utang, at ang mga hindi nasisiyahan sa kanilang pamumuhay. Ang lahat ng ito'y umabot sa apatnaraang lalaki, at siya ang ginawa nilang pinuno. Mula roon, nagtuloy sila sa Mizpa ng Moab. Sinabi niya sa hari doon, “Ipinapakiusap ko po na pabayaan muna ninyo rito sa Moab ang aking mga magulang hangga't hindi ko tiyak kung ano ang gagawin sa akin ng Diyos.” Ipinagkatiwala nga niya ang kanyang mga magulang sa hari ng Moab at ang mga ito'y nanatili roon habang nagtatago si David sa kuweba. Sinabi ni Propeta Gad kay David, “Huwag kang manatili rito, magpunta ka sa sakop ng Juda.” Sumunod naman si David at siya'y nagpunta sa kagubatan ng Heret. Nabalitaan ni Saul kung saan nagtatago si David at ang mga kasama nito. Nakaupo siya noon sa ilalim ng punong tamarisko sa ibabaw ng isang burol sa Gibea; hawak niya ang kanyang sibat at nakapaligid sa kanya ang kanyang mga tauhan. Sinabi niya sa mga ito, “Sagutin ninyo ako sa itatanong ko sa inyo, mga Benjaminita. Mabibigyan ba kayo ni David ng kahit isang pirasong bukid o ubasan? Gagawin ba niya kayong mga opisyal ng kanyang hukbo? Bakit kayo nakikipagsabwatan sa kanya laban sa akin? Bakit isa man sa inyo'y walang nagsabi sa akin tungkol sa kasunduan ng anak kong si Jonatan at ni David? Bakit isa ma'y walang nakapagsabi sa akin tungkol sa pakikiisa ni Jonatan kay David laban sa akin?” Sumagot si Doeg, isa sa mga tauhan ni Saul, “Nakita ko po si David nang magpunta sa Nob, kay Ahimelec na anak ni Ahitob. Sumangguni pa si Ahimelec kay Yahweh para kay David at binigyan pa ito ng pagkain; ibinigay rin dito ang espada ni Goliat.” Ipinatawag ng hari si Ahimelec at ang lahat ng kasambahay nito, na pawang mga pari sa Nob; humarap sila sa hari. Tinawag ni Saul si Ahimelec at kanyang sinabi, “Ahimelec, makinig ka.” “Nakikinig po ako, mahal na hari,” sagot ni Ahimelec. Sinabi ni Saul, “Bakit ka nakipagsabwatan kay David laban sa akin? Bakit mo siya binigyan ng sandata at pagkain? Bakit mo siya isinangguni sa Diyos? Hindi mo ba alam na pinagtatangkaan niya ako ng masama?” Sumagot si Ahimelec, “Hindi po ba si David ay manugang ninyo at pinakamatapat ninyong tauhan? Hindi po ba siya ang pinakapuno sa inyong mga kawal at iginagalang ng lahat sa buong kaharian? At ngayon ko lamang po ba siya isinangguni sa Diyos? Huwag po kayong magalit sa amin, mahal na hari. Wala po kaming nalalaman sa ibinibintang ninyo sa amin.” Sinabi ni Saul, “Mamamatay ka ngayon, Ahimelec, pati ang iyong buong angkan.” At inutusan ng hari ang mga tauhan na malapit sa kanya, “Patayin ninyo ang mga pari ni Yahweh! Kasabwat sila ni David. Alam nila nang ito'y tumakas ngunit hindi sinabi sa akin.” Ngunit ayaw sumunod ang mga inutusan sapagkat natatakot silang pagbuhatan ng kamay ang mga pari ni Yahweh. Kaya, si Doeg ang inutusan ni Saul, “Ikaw ang pumatay sa kanila.” Sumunod naman si Doeg at nang araw na iyon, pinatay niya ang walumpu't limang paring nakasuot ng Efod. At ipinapatay rin ni Saul ang lahat ng mga taga-Nob, isang lunsod ng mga pari: mga babae't lalaki, ang mga bata at mga sanggol, ang mga baka, asno at mga tupa. Ngunit nakatakas si Abiatar na anak ni Ahimelec, at siya'y nagpunta kay David. Ibinalita niya rito na ipinapatay ni Saul ang lahat ng mga pari ni Yahweh. Sinabi ni David kay Abiatar, “Nakita ko noon si Doeg at noon pa'y alam ko nang magsusumbong siya kay Saul na ako'y nakita niya roon. Ako tuloy ang naging dahilan ng pagkalipol ng iyong angkan. Ngunit huwag kang matakot. Sumama ka na sa amin dahil iisa ang nagtatangka sa buhay nating dalawa. Dito ay ligtas ka.” Dumating ang araw na sinalakay ng isang pangkat ng mga Filisteo ang Keila at sinamsam ang trigo sa giikan. Nalaman ito ni David kaya siya'y sumangguni kay Yahweh, “Lalabanan ko po ba ang mga Filisteong ito?” “Oo,” sagot ni Yahweh. “Labanan mo sila at iligtas mo ang Keila.” Ngunit sinabi ng mga kawal kay David, “Kung kay Saul lang ay takot tayo, kaya tayo nagtatago dito sa Juda, paano natin malalabanan ang napakaraming Filisteong ito?” Kaya't muling sumangguni si David kay Yahweh. Ang sagot naman sa kanya, “Pumunta kayo sa Keila at pagtatagumpayin ko kayo laban sa mga Filisteo.” Kaya't nagpunta si David at ang kanyang mga tauhan sa Keila at nilabanan ang mga Filisteo. Marami silang napatay sa mga ito; sinamsam nila ang mga kawan at nailigtas ni David ang bayan ng Keila. Nang si Abiatar ay tumakas at magpunta kay David sa Keila, dala niya ang efod. Nabalitaan naman ni Saul na si David ay nasa Keila at sinabi nito, “Sa wakas, niloob din ng Diyos na mahulog sa mga kamay ko si David sapagkat pumasok siya sa isang lugar na napapaligiran ng pader at bakal ang mga pintuan.” Tinipon niya ang lahat niyang tauhan at pinapunta sa Keila upang palibutan si David at ang mga tauhan nito. Nalaman ito ni David kaya sinabi niya sa paring si Abiatar, “Dalhin mo rito ang efod.” At sumangguni siya sa Diyos, “Yahweh, Diyos ng Israel, nabalitaan ko pong wawasakin ni Saul ang Keila sapagkat nalaman niyang narito ako. Totoo po ba ito? Pababayaan po kaya ng mga taga-Keila na dakpin ako ni Saul? Isinasamo ko po, Yahweh, Diyos ng mga Israelita, na sagutin n'yo ako sa bagay na ito.” Sumagot si Yahweh, “Oo, lulusubin nga ni Saul ang Keila.” Nagtanong muli si David, “Pababayaan po ba ng mga taga-Keila na ako'y dakpin ni Saul, pati ang aking mga kasama?” “Oo, pababayaan nila kayo,” sagot ni Yahweh. Dahil dito, iniutos niya sa kanyang mga tauhan na noo'y halos animnaraang katao na umalis na doon at magpalipat-lipat ng lugar. Nang malaman ni Saul na si David ay nakatakas, hindi na niya itinuloy ang balak na pagsalakay sa Keila. Si David ay nagtago sa ilang at maburol na lugar ng Zif. Araw-araw, hinahanap siya ni Saul, ngunit hindi itinulot ng Diyos na makita siya nito. Nanatili ang pangamba ni David sapagkat alam niyang siya'y talagang gustong patayin ni Saul. Nang siya'y nasa Hores sa ilang ng Zif, pinuntahan siya ni Jonatan at pinalakas ang kanyang loob sa pangalan ni Yahweh. Sinabi nito, “David, huwag kang matakot at hindi ka mapapatay ng aking ama. Ikaw ay magiging hari ng Israel, magiging kanang kamay mo naman ako; alam na ito ng aking ama.” At ang kanilang pagiging magkaibigan ay muli nilang pinagtibay sa harapan ni Yahweh. Pagkatapos, umuwi na si Jonatan at naiwan naman sa Hores si David. Ang mga taga-Zif ay nagpunta kay Saul sa Gibea. Sinabi nila, “Si David po ay doon nagtatago sa lugar namin sa Hores, sa kaburulan ng Haquila sa gawing timog ng kagubatan ng Jesimon. Alam po naming gustung-gusto ninyo siyang mahuli. Puntahan ninyo siya roon kung kailan ninyo gusto at tutulungan namin kayo sa paghuli sa kanya.” At sinabi ni Saul, “Pagpalain nawa kayo ni Yahweh dahil sa pagmamalasakit ninyong ito sa akin. Mauna kayo roon at tiyakin ninyo kung saan siya nagtatago at kung sino ang nakakita sa kanya. Alam kong mahirap siyang hulihin, kaya't tiyakin ninyong mabuti kung saan siya nagtatago, saka ninyo ibalita sa akin. Kung naroon pa siya, sasama ako sa inyo para dakpin siya kahit na halughugin ko ang buong Juda.” At sila'y nauna kay Saul papuntang Zif. Si David naman at ang kanyang mga kasama ay nasa ilang noon ng Maon, sa Araba, gawing timog ng Jesimon. Lumakad si Saul at ang kanyang mga tauhan upang hanapin si David. Hindi lingid kay David na hinahanap siya ni Saul kaya nagtago siya sa ilang ng Maon, ngunit sinundan pa rin siya ni Saul. Samantalang nasa kabilang panig ng bundok sina Saul, sina David naman ay nasa kabila at walang ibang mapuntahan. Masusukol na lamang sila nina Saul, nang dumating ang isang tagabalita at sinabi kay Saul, “Magbalik na po kayo at sinasalakay tayo ng mga Filisteo.” Kaya, tinigilan ni Saul ang paghabol kay David at hinarap ang mga Filisteo. Kaya't ang lugar na iyon ay tinawag na Bato ng Paghihiwalay. Mula roon, si David ay nagpunta sa En-gedi at doon muna nanirahan. Nang magbalik si Saul mula sa pagtugis sa mga Filisteo, may nagsabi sa kanyang si David ay nasa ilang ng En-gedi. Kaya, kumuha siya ng tatlong libong mahuhusay na kawal mula sa Israel at isinama ang mga ito sa paghahanap kay David sa Kaburulan ng Maiilap na Kambing. Nang mapatapat sila sa isang kulungan ng tupa sa tabi ng daan, dumumi si Saul sa loob ng kuweba sa tapat ng mga kulungan ng tupa. Nagkataon namang si David at ang kanyang mga tauhan ay nagtatago sa loob ng kuwebang iyon. Sinabi kay David ng kanyang mga tauhan, “Ito na ang katuparan ng sinabi ni Yahweh na, ‘Ibibigay ko sa iyo ang iyong kaaway at maaari mong gawin sa kanya ang gusto mo.’” Dahan-dahang lumapit si David at pinutol ang laylayan ng kasuotan ni Saul. Nang magawâ niya ito, inusig siya ng kanyang budhi sapagkat para na niyang nilapastangan ang hari. Sinabi niya sa kanyang mga tauhan, “Huwag nawang itulot ni Yahweh na gawan ko ng masama ang hari na kanyang hinirang.” Pinakiusapan ni David ang kanyang mga kasama na huwag saktan si Saul. Tumayo na si Saul at umalis. Nang malayu-layo na si Saul, lumabas ng kuweba si David at sumigaw, “Mahal kong hari!” Nang lumingon si Saul, buong paggalang na yumukod si David. Sinabi niya, “Bakit po kayo naniniwala sa mga nagsasabi sa inyo na gusto ko kayong patayin? Mapapatunayan ko sa inyo na hindi totoo iyon. Kanina sa yungib ay binigyan ako ni Yahweh ng pagkakataong mapatay kayo. Gusto na ng mga tauhan kong patayin kayo ngunit hindi ko ginawa. Sinabi ko sa kanila na hindi ko maaaring pagbuhatan ng kamay ang aking hari sapagkat siya'y pinili ni Yahweh. Narito, ama ko, ang kapiraso ng laylayan ng inyong balabal. Kung ito'y naputol ko sa inyong kasuotan, magagawa ko ring patayin kayo noon kung gusto ko. Ito ang katunayan na hindi ko kayo gagawan ng masama kahit pinagpipilitan ninyo akong patayin. Hatulan nawa tayong dalawa ni Yahweh. Siya na ang magpaparusa sa inyo ngunit hindi ko kayo maaaring pagbuhatan ng kamay. Gaya ng kasabihan ng matatanda, ‘Masamang tao lamang ang gumagawa ng masama,’ kaya't hindi ko kayo pagbubuhatan ng kamay. Sino ba ako upang hanapin ng hari ng Israel? Isang patay na aso o pulgas lamang ang aking katulad! Si Yahweh nawa ang humatol sa ating dalawa. Magsiyasat nawa siya, at ipaglaban ako at iligtas sa iyong mga kamay.” Pagkatapos magsalita ni David, sinabi ni Saul, “David, anak ko, ikaw nga ba iyan?” At siya'y tumangis. Sinabi pa ni Saul, “Tama ka, David, at ako'y mali. Sinusuklian mo ng mabuti ang masamang ginagawa ko sa iyo. Ito'y pinatunayan mo ngayon; hindi mo ako pinatay kahit inilagay na ako ni Yahweh sa iyong mga kamay. Bihira sa tao ang makakagawa ng ginawa mo, ang pawalan pa ang kaaway na nasa ilalim na ng kanyang kapangyarihan. Pagpalain ka nawa ni Yahweh sa ginawa mong ito sa akin. Ngayon, alam kong ikaw ay magiging hari ng Israel at sigurado akong magiging matatag ang kaharian sa ilalim ng iyong kapangyarihan. Ipangako mo sa pangalan ni Yahweh, na hindi mo uubusin ang aking lahi at hindi mo buburahin sa daigdig ang pangalan ng aking angkan.” Ipinangako naman ito ni David kay Saul. Pagkatapos nito'y umuwi na si Saul. Sila David naman ay nagbalik sa kanilang pinagtataguan. Namatay si Samuel, at ang buong sambayanang Israel ay nagtipon upang magluksa. Inilibing nila ang kanyang bangkay sa kanyang tahanan sa Rama. Si David naman ay lumipat sa ilang ng Paran. Sa Maon ay may isang taong mayaman. Malaki ang kanyang kawan sa Carmel. Mayroon siyang tatlong libong tupa at sanlibong kambing. Nabal ang kanyang pangalan at buhat sa angkan ni Caleb. Ang asawa niya'y si Abigail. Ang babaing ito'y maganda at matalino ngunit si Nabal ay masungit at magaspang ang pag-uugali. Minsan, nabalitaan ni David na ginugupitan ni Nabal ang kanyang mga tupa. Pinapunta ni David sa Carmel ang sampu sa kanyang tauhan at ipinasabi ang ganito: “Sumainyo ang kapayapaan at sa buo ninyong sambahayan. Nabalitaan naming ikaw ay naggugupit ng balahibo ng tupa. Ang mga pastol mo ay nakasama namin at hindi namin sila ginambala; sa halip ay tinulungan namin sila at hindi naligalig sa buong panahon ng pagpapastol nila rito sa Carmel. Ito'y mapapatunayan nila sa inyo. Dahil dito, tanggapin mo ang aking mga tauhan at ipinapakiusap kong tulungan mo ako. Bigyan mo ako ng anumang maibibigay mo para maihanda sa aming pista.” Sumunod naman ang mga inutusan ni David. Sinabi nila kay Nabal ang lahat ng ipinapasabi sa kanila at naghintay ng sagot. Sinabi ni Nabal, “Sino ba si David? Sinong anak ni Jesse? Talagang maraming alipin ngayon na lumalayas sa kanilang mga amo. Ang tinapay, inumin at pagkain para sa aking mga manggugupit ay hindi ko maibibigay sa mga taong hindi ko alam kung saang lupalop nanggaling?” Nang marinig ito, nagbalik sila kay David at sinabing lahat ang sinabi ni Nabal. Dahil dito, sinabi ni David sa kanyang mga tauhan, “Ihanda ninyo ang mga tabak ninyo!” Humanda naman ang apatnaraan sa kanyang mga tauhan at sumama sa kanya; naiwan ang dalawandaan upang magbantay sa kanilang mga dala-dalahan. Sinabi ng isang pastol kay Abigail, “Si David po ay nagpadala ng sugo sa inyong asawa at magalang na nakipag-usap ngunit sila'y ininsulto ng inyong asawa. Mababait ang mga taong iyon. Tinulungan nila kami at wala silang kinuhang anuman sa amin sa buong panahong kasama namin sila sa parang. Binantayan po nila kami araw-gabi sa aming pagpapastol. Pag-isipan po ninyo kung ano ang mabuting gawin ngayon, sapagkat ang nangyari ay tiyak na magbubunga ng masama sa aming panginoon at sa buo niyang sambahayan. Hindi naman namin masabi sa kanya ito sapagkat matigas ang ulo niya; tiyak na hindi niya kami papakinggan.” Dali-daling naghanda si Abigail ng dalawandaang tinapay. Pinuno niya ng alak ang dalawang sisidlan, nagpapatay ng limang tupa, nagpakuha ng limang takal ng sinangag na trigo, sandaang kumpol ng pasas at dalawandaang tinapay na igos; lahat ng ito'y ikinarga niya sa mga asno. Pagkatapos, sinabi niya sa ilan niyang tauhan, “Mauna kayo sa akin, at susunod ako.” Hindi niya ito ipinaalam kay Nabal na kanyang asawa. Habang pababa si Abigail sa isang burol, dumarating naman sina David mula sa kabila. Sa galit ni David kay Nabal ay nasabi niya, “Sayang lamang ang pangangalaga natin sa ari-arian ng Nabal na iyon. Tinulungan natin siya at walang nabawas sa kanyang kawan, ngunit ito pa ang iginanti sa atin. Parusahan sana ako ng Diyos kapag hindi ko pinatay bukas ang lahat ng lalaki sa kanyang sambahayan.” Nang makita ni Abigail si David, nagmamadali siyang bumabâ sa kanyang asno at nagpatirapa sa harapan ni David. Sinabi niya, “Ako na po ang inyong sisihin. Pakinggan po muna sana ninyo ang aking sasabihin. Huwag po ninyong pansinin si Nabal. Wala pong kuwentang tao iyon. Tamang-tama po sa kanya ang kanyang pangalan, siya po'y luku-luko. Hindi ko po kasi nakita ang mga tauhan ninyong pinapunta sa amin. Ngayon po'y niloob ni Yahweh na huwag matuloy ang inyong paghihiganti upang hindi mabahiran ng dugo ang inyong mga kamay. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, lahat ng naghahangad ng masama laban sa inyo ay mapapahamak, tulad ni Nabal. Narito po, tanggapin po ninyo ang nakayanan ng inyong lingkod at ipamigay ninyo sa inyong mga tauhan. At patawarin po ninyo ang anumang pagkakamali ko. Sigurado kong loloobin ni Yahweh na kayo'y maging hari, pati ng inyong lahi sapagkat nakikipaglaban kayo para sa kanya, at hindi kayo gagawa ng anumang kasamaan habang kayo'y nabubuhay. Kung may magtatangka man sa inyong buhay, iingatan kayo ni Yahweh na inyong Diyos. Ang mga kaaway naman ninyo ay ihahagis na parang bato ng tirador. At kung loobin ni Yahweh na maging hari na kayo sa Israel tulad ng kanyang ipinangako, wala kayong pagsisisihan. Hindi kayo uusigin ng inyong budhi sapagkat hindi kayo pumatay nang walang sapat na dahilan o kaya'y naghiganti sa inyong kaaway. At sana'y maalala ninyo ako sa sandaling marapatin na ni Yahweh na maitatag na ang inyong sambahayan.” Sinabi ni David kay Abigail, “Purihin si Yahweh na nagpapunta sa iyo rito. Salamat sa kanya dahil sa iyong kabutihan, sapagkat sa ginawa mo'y nakaiwas ako sa pagpatay ng tao at magsagawa ng sariling paghihiganti. Niloob niyang huwag ko kayong pagbuhatan ng kamay. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, kung hindi ka naparito ngayon, bukas ng umaga ay patay na sanang lahat ang lalaki sa inyong sambahayan.” Tinanggap ni David ang mga dala ni Abigail. Pagkatapos, sinabi niya rito, “Umuwi ka na. Huwag ka nang mag-alala at gagawin ko ang kahilingan mo.” At umuwi na si Abigail. Pagdating ng bahay, nakita niya ang handaan ni Nabal, walang iniwan sa papista ng isang hari. Naratnan niyang lasing na lasing ito kaya't wala siyang sinabing anuman nang gabing iyon. Kinabukasan, nang wala na ang pagkalasing nito, isinalaysay niya ang buong pangyayari. Nang marinig ni Nabal ang lahat, inatake siya sa puso at nanigas ang buong katawan. Pagkaraan pa ng sampung araw, pinarusahan ni Yahweh si Nabal at ito'y namatay. Nang mabalitaan ni David ang nangyari kay Nabal, sinabi niya, “Purihin si Yahweh. Ipinaghiganti niya ako sa paghamak na ginawa sa akin ni Nabal at inilayo niya ako sa pagkakasala. Pinagbayad ni Yahweh si Nabal sa kanyang kasamaan.” Si David ay nagpasugo kay Abigail at ipinasabing nais niya itong maging asawa. Nang dumating sa Carmel ang mga inutusan ni David, sinabi nila, “Ipinapasabi po ni David na nais niya kayong mapangasawa.” Yumukod si Abigail, ang mukha'y halos sayad sa lupa, at sinabi, “Narito ang inyong lingkod, handa po akong maghugas ng paa ng inyong mga tauhan.” Nagmamadali siyang tumayo, sumakay sa asno at sumama sa mga tauhan ni David, kasama ang lima sa kanyang mga katulong. At siya'y naging asawa ni David. Asawa na noon ni David si Ahinoam na taga-Jezreel, at ngayo'y naging asawa rin niya si Abigail. Si Mical naman na asawa ni David ay ibinigay ni Saul kay Palti na anak ni Lais ng Gallim. Samantala, nagbalik kay Saul sa Gibea ang mga Zifeo at sinabi nilang si David ay nagtatago sa kaburulan ng Haquila, sa silangan ng Jesimon. Kaya lumakad si Saul, kasama ang tatlong libong pinakamahusay na kawal na Israelita, patungo sa ilang ng Zif upang hanapin si David. Nagkampo sila sa tabing daan sa may kaburulan ng Haquila; sina David naman ay nasa ilang. Nang mabalitaan ni David na hinahanap na naman siya ni Saul, pinalakad niya ang ilan sa kanyang mga tauhan upang lihim na magsiyasat. Sa pamamagitan nila, natiyak niyang hinahanap nga siya ni Saul. Pumunta si David sa kampo ni Saul upang alamin ang kinalalagyan ni Saul. Nakita niyang napapaligiran si Saul ng mga kawal at natutulog sa tabi nito ang pinuno ng kanyang hukbo na si Abner na anak ni Ner. Tinanong ni David ang Heteong si Ahimelec at si Abisai na kapatid ni Joab at anak ni Sarvia, “Sino ang sasama sa akin sa kampo ni Saul?” “Ako,” sagot ni Abisai. Kinagabihan, lihim na pinasok nina David at Abisai ang kampo ni Saul. Dinatnan nila itong tulog na tulog at napapaligiran ni Abner at ng buong hukbo. Ang sibat nito ay nakatusok sa gawing ulunan. Sinabi ni Abisai kay David, “Niloob ng Diyos na mahulog ngayon sa mga kamay mo ang iyong kaaway. Kung gusto mo, tatarakan ko na siya ng sibat. Isang saksak lang iyan at hindi na kailangang ulitin pa.” Ngunit sinabi ni David, “Huwag mong gagawin iyan. Malaking kasalanan na pagbuhatan ng kamay ang haring pinili ni Yahweh. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, darating ang araw na mamamatay rin siya, maaaring sa sakit o sa digmaan. Huwag nawang itulot ni Yahweh na patayin ko ang kanyang piniling hari. Kunin na lang natin ang kanyang sibat, pati ang lalagyan niya ng inumin, at umalis na tayo.” Kinuha nga ni David ang sibat sa ulunan ni Saul at ang lalagyan nito ng inumin, at sila'y umalis. Isa man kina Saul ay walang nagising sapagkat niloob ni Yahweh na makatulog sila ng mahimbing. Dumating at umalis sina David nang walang nakaalam. Pagdating ni David sa kabilang gulod, tumayo siya sa isang mataas na lugar. Sinigawan niya si Abner, “Abner, naririnig mo ba ako?” Ang sigaw niya'y dinig ng buong hukbo. Sumagot si Abner, “Sino kang nambubulahaw sa hari?” Sumagot naman si David, “Di ba't ikaw ang pinakamagaling na lalaki sa Israel? Bakit hindi mo binantayang mabuti ang mahal na hari? May nakapasok diyan upang patayin ang hari ngunit hindi mo man lamang namalayan. Nagpabaya ka sa iyong tungkulin. Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, dapat kang mamatay sapagkat hindi mo binantayang mabuti ang haring pinili ni Yahweh. Nasaan ang sibat at ang lalagyan ng tubig ng hari?” Nakilala ni Saul ang tinig ni David. “David, anak ko, ikaw ba iyan?” tanong niya. “Ako nga po, mahal kong hari,” sagot ni David. Sinabi pa niya, “Bakit ninyo ako inuusig hanggang ngayon? Ano po ba ang nagawa kong kasalanan? Isinasamo ko, mahal na hari, pakinggan po sana ninyo ang aking sasabihin. Kung si Yahweh po ang may gusto na ako'y usigin ninyo, maghandog po kayo sa kanya para mabago ang kanyang pasya. Kung tao naman po ang may udyok nito, sumpain nawa siya ni Yahweh. Dahil sa ginagawa nilang ito, napalayo ako sa bayan ni Yahweh at napadpad sa lupaing diyus-diyosan lamang ang maaari kong sambahin. Huwag ninyo sanang hayaang mapatay ako sa ibang lupain, at malayo kay Yahweh. Bakit ako, na pulgas lamang ang katulad ay gustong patayin ng hari? Bakit kailangan pa niya akong habulin na parang isang mailap na ibon?” Sinabi ni Saul, “Nagkamali nga ako, David, aking anak. Magbalik ka na at hindi na kita gagawan ng masama sapagkat sa araw na ito'y hindi mo na naman ako pinatay. Naging hangal ako! Napakalaki ng kasalanan ko!” Sumagot si David, “Narito ang inyong sibat, mahal na hari. Ipakuha ninyo rito sa isa ninyong tauhan. Ang taong tapat at matuwid ay ginagantimpalaan ni Yahweh. Sa araw na ito'y niloob niyang mahulog kayo sa aking mga kamay ngunit hindi ko maaaring pagbuhatan ng kamay ang haring pinili ni Yahweh. Pinahalagahan ko ngayon ang inyong buhay at nawa'y ganoon din ang gawin sa akin ni Yahweh. Nawa'y iligtas niya ako sa lahat ng kaguluhan.” Sinabi ni Saul kay David, “Pagpalain ka ng Diyos, anak. Marami pang gawaing naghihintay sa iyo at tiyak kong magtatagumpay ka.” Pagkatapos nito'y lumakad na si David at umuwi naman si Saul. Sinabi ni David sa kanyang sarili, “Balang araw ay mahuhuli rin ako ni Saul kapag hindi ako umalis dito. Ang mabuti pa'y magtago na lang ako sa lupain ng mga Filisteo. Baka hindi na niya ako habulin kung hindi na niya ako makita sa lupain ng Israel. Ito na lamang ang paraan upang makaligtas ako sa kanya.” Kaya, isinama niya ang animnaraan niyang tauhan at nagpunta sila kay Aquis na anak ni Maoc at hari ng Gat. Doon nanirahan sina David, kasama ang mga asawa niyang si Ahinoam na taga-Jezreel at si Abigail na biyuda ni Nabal na taga-Carmel. Kasama naman ng kanyang mga tauhan ang kani-kanilang pamilya. Nang mabalitaan ni Saul na si David ay nasa Gat, itinigil nga niya ang paghahanap dito. Sinabi ni David kay Aquis, “Kung mamarapatin mo, bigyan mo kami ng isang maliit na bayan sa lalawigan upang doon manirahan. Hindi nararapat na kami ay kasama mong naninirahan dito sa iyong maharlikang lunsod.” Ibinigay naman sa kanya ni Aquis ang Ziklag, kaya hanggang ngayon, ito ay sakop ng hari ng Juda. At sila'y isang taon at apat na buwang nanirahan sa lupain ng mga Filisteo. Sa loob ng panahong iyon, sinalakay nina David ang mga Gesureo, ang mga Girzita at ang mga Amalekita na matagal nang naninirahan doon; umabot sila sa Shur at hanggang sa Egipto. Bawat lugar na salakayin nila ay wala silang itinitirang buháy, maging lalaki man o babae. At bago bumalik kay Aquis, sinasamsam nila ang lahat ng kanilang makita: tupa, baka, asno, kamelyo at mga damit. Kapag tinatanong siya ni Aquis kung alin ang sinalakay nila, sinasabi niyang ang gawing timog ng Juda, timog ng Jerameel o kaya'y ang lupain ng Cineo. Pinapatay nga niyang lahat ang nakatira sa alinmang lugar na salakayin niya para walang makapagbalita sa Gat na ang lugar na iyon ang kanilang nilusob. Palaging ganoon ang ginagawa nina David sa buong panahon ng paninirahan nila sa lupain ng mga Filisteo. Si Aquis naman ay labis na nagtiwala sa kanya, sapagkat akala niya'y masamang-masama na si David sa mga Israelita at dahil doo'y maaalipin na niya ito habang panahon. Nang panahong iyon, inihahanda ng mga Filisteo ang kanilang hukbong sandatahan upang digmain ang Israel. Sinabi ni Aquis kay David, “Inaasahan kong ikaw at ang mga tauhan mo'y sasanib sa aking hukbo.” Sumagot si David, “Maaasahan po ninyo. Ngayon ko ipapakita sa inyo kung ano ang magagawa ko.” Sinabi ni Aquis, “Mabuti kung gayon. Ikaw ang gagawin kong pansariling bantay ko habang buhay.” Patay na noon si Samuel at ipinagluksa siya ng buong Israel. Siya'y inilibing nila sa Rama, sa kanyang sariling bayan. Noon ay pinalayas na ni Saul ang mga sumasangguni sa espiritu ng mga namatay na at ang mga manghuhula. Ang mga Filisteo ay nagkampo sa Sunem at sina Saul naman ay sa Gilboa. Nanginig sa takot si Saul nang makita niya ang hukbo ng mga Filisteo. Nang sumangguni siya kay Yahweh, hindi sumagot si Yahweh kahit sa pamamagitan ng panaginip, ni sa pamamagitan man ng Urim o ng mga propeta. Dahil dito, iniutos niya sa kanyang mga tagapaglingkod na ihanap siya ng isang babaing kumakausap sa mga espiritu ng namatay na upang siya'y tanungin. Sinabi naman sa kanya ng kanyang mga lingkod na mayroong ganoong babae sa Endor. Nagbalatkayo si Saul, isinama ang dalawa niyang tagapaglingkod at sila'y lumakad. Gabi na nang dumating sila sa Endor. Sinabi niya sa babae, “Tingnan mo nga kung ano ang magiging kapalaran ko; kausapin mo ang espiritu ng sinumang sasabihin ko sa iyo.” Sinabi sa kanya ng babae, “Hindi mo ba alam na pinalayas na ni Saul sa Israel ang mga sumasangguni sa mga espiritu ng patay at ang mga manghuhula? Bakit mo inilalagay sa panganib ang aking buhay?” Kaya't nangako si Saul sa pangalan ni Yahweh. Sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, hindi ka mapaparusahan dahil sa gagawin mong ito.” Itinanong ng babae, “Kaninong espiritu ang gusto mong tawagin ko?” “Kay Samuel,” sagot niya. Nang makita ng babae si Samuel, napasigaw ito. Sinabi niya kay Saul, “Bakit ninyo ako nilinlang? Kayo pala si Haring Saul!” Sinabi ni Saul, “Huwag kang matakot. Ano ba ang nakita mo?” “Isang espiritu na lumilitaw mula sa lupa,” sagot ng babae. Itinanong ni Saul, “Ano ang hitsura?” “Isa siyang matandang lalaking nakabalabal,” sagot ng babae. Natiyak ni Saul na si Samuel ang tinutukoy ng babae, kaya siya'y nagpatirapa at nagbigay-galang. Itinanong ni Samuel kay Saul, “Bakit mo ginagambala ang aking pamamahinga?” Sumagot siya, “May malaki akong suliranin. Sinasalakay kami ng mga Filisteo. Tinalikuran na ako ng Diyos at ayaw na niyang magpahayag sa akin, maging sa mga propeta o sa mga panaginip. Ipinatawag nga kita upang itanong kung ano ang dapat kong gawin.” Sinabi ni Samuel, “Bakit magtatanong ka pa sa akin gayong tinalikuran ka na ni Yahweh at siya'y kaaway mo na? Iyan na ang katuparan ng ipinasabi niya sa iyo. Inalis na sa iyo ang pagiging hari, at ibinigay na kay David. Hindi mo sinunod ang kanyang utos na lipulin ang mga Amalekita, kaya ginagawa niya ito sa iyo. Ikaw at ang buong Israel ay ibibigay ni Yahweh sa kamay ng mga Filisteo. Bukas, ikaw at ang iyong mga anak ay mamamatay rin sapagkat niloob na ni Yahweh na mahulog kayo sa kamay ng mga Filisteo.” Dahil sa matinding takot sa sinabi ni Samuel, biglang nabuwal si Saul sa lupa. Bukod dito, hinang-hina na siya dahil sa pagod at gutom sapagkat maghapo't magdamag na siyang hindi kumakain. Nilapitan siya ng babae at nakita niyang takot na takot si Saul. Kaya, sinabi niya, “Pinagbigyan ko po ang inyong kahilingan kahit alam kong nakataya ang aking buhay. Ngayon po, ako naman ang hihiling sa inyo. Ipaghahanda ko kayo ng pagkain para lumakas kayo at makapagpatuloy sa inyong lakad.” Sumagot si Saul, “Ayokong kumain.” Ngunit pinilit siya ng kanyang mga tauhan at ng babae. Pumayag na rin siya at pagkatapos ay naupo sa isang higaan. Ang babae ay may isang pinatabang guya. Dali-dali niya itong kinatay. Nagmasa siya ng harina, ginawa itong tinapay na walang pampaalsa, saka inihain kay Saul at sa mga kasamahan nito. Pagkakain, nagmamadali silang umalis. Ang mga Filisteo'y nagtipun-tipon sa Afec at ang mga Israelita naman ay sa tabi ng malaking bukal sa libis ng Jezreel. Nang ang mga pinunong Filisteo ay patungo na sa labanan kasama ang kani-kanilang pangkat na may daan-daan at may libu-libo, nakita nila ang pangkat ni David; ang mga ito'y nasa hulihan at kahanay ng pangkat ni Aquis. Itinanong ng mga prinsipeng Filisteo, “Sino ang mga Hebreong ito? Ano ang ginagawa nila rito?” Sumagot si Aquis, “Si David iyan na lingkod ni Haring Saul. Siya'y mahigit nang isang taong kasa-kasama ko. Buhat nang magkasama kami, wala akong maipipintas sa kanya.” Nagalit ang mga pinunong Filisteo. Sinabi nila kay Aquis, “Pabalikin mo na sila sa lugar na ibinigay mo sa kanila. Hindi natin sila isasama sa labanan. Baka kung nandoon na, tayo pa ang labanan nila. Baka samantalahin niya ang pagkakataon upang maalis ang galit sa kanya ni Saul. Hindi ba iyan ang David na kanilang binabanggit sa awit na: ‘Pumatay si Saul ng libu-libo si David nama'y sampu-sampung libo?’” Tinawag ni Aquis si David. Sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, ikaw ay naging tapat sa akin. At para sa akin, nais kong kasama ka sa pakikidigma naming ito sapagkat buhat nang magkasama tayo'y wala akong masasabing masama laban sa iyo. Ngunit ayaw kang isama ng ibang pinuno. Kaya, magbalik ka na para hindi magalit sa iyo ang mga pinuno ng mga Filisteo.” Itinanong ni David, “Ano ba ang nagawa kong masama buhat nang sumama ako sa inyo at ayaw ninyo akong isama sa pakikipaglaban sa inyong mga kaaway?” Sumagot si Aquis, “Alam kong wala kang ginawang masama. Natitiyak kong ikaw ay tapat, tulad ng isang anghel ng Diyos, ngunit ayaw kang isama ng mga pinunong Filisteo. Kaya, pagliwanag bukas ng umaga, isama mong lahat ang mga tauhan mo at bumalik na kayo sa lugar na ibinigay ko sa inyo. Huwag sasama ang loob mo. Wala akong masasabing anuman laban sa iyo.” Kinabukasan ng umaga, si David at ang mga tauhan nito'y nagbalik sa lupain ng mga Filisteo; nagpatuloy naman ang mga Filisteo ng pagsugod sa Jezreel. Ikatlong araw na nang sina David ay makabalik sa Ziklag. Samantalang wala sila, lumusob ang mga Amalekita at sinunog ang buong bayan. Wala silang pinatay isa man ngunit binihag nila ang mga babae, matanda't bata. Nang dumating nga sina David, sunog na ang buong bayan at wala ang kani-kanilang asawa't mga anak. Dahil dito, hindi nila mapigilan ang paghihinagpis; nag-iyakan sila hanggang sa mapagod sa kaiiyak. Binihag din ang dalawang asawa ni David na sina Ahinoam at Abigail. Balisang-balisa si David sapagkat pinag-uusapan ng kanyang mga tauhan na pagbabatuhin siya dahil sa sama ng loob sa pagkawala ng kanilang mga anak. Ngunit dumulog si David kay Yahweh na kanyang Diyos upang palakasin ang kanyang loob. Sinabi ni David kay Abiatar, “Dalhin mo rito ang efod.” At dinala naman ni Abiatar. Nagtanong si David kay Yahweh, “Hahabulin po ba namin ang mga tulisang iyon? Mahuhuli ko po kaya sila?” “Sige, habulin ninyo. Maaabutan ninyo sila at maililigtas ang kanilang mga bihag,” sagot ni Yahweh. Hinabol nga ni David ang mga Amalekita. Kasama niya hanggang sa batis ng Besor ang animnaraan niyang tauhan. Ngunit pagdating doon, apatnaraan na lang ang nagtuloy na sumama kay David. Nagpaiwan na ang dalawandaan dahil sa matinding pagod. Sa daan, may nakita silang isang kabataang Egipcio. Dinala nila ito kay David at binigyan ng pagkain at inumin. Binigyan nila ito ng tinapay na igos at dalawang kumpol ng pasas. Matapos kumain, nanumbalik ang kanyang lakas; tatlong araw at tatlong gabi pala siyang hindi kumakain ni umiinom. Tinanong siya ni David, “Sino ang panginoon mo at tagasaan ka?” “Ako po'y Egipciong alipin ng isang Amalekita. Iniwan na ako ng aking panginoon sapagkat tatlong araw na akong may sakit. Nilusob po namin ang teritoryo ng mga Kereteo sa timog ng Juda at ang teritoryo ng angkan ni Caleb; sinunog pa po namin ang buong Ziklag,” sagot nito. “Maaari mo ba kaming samahan sa mga tulisang iyon?” tanong uli ni David. “Kung ipapangako po ninyo sa akin sa pangalan ng Diyos na ako'y hindi ninyo papatayin ni ibabalik sa dati kong panginoon, ituturo ko sa inyo ang lugar ng mga Amalekita,” sagot ng Egipcio. Itinuro nga ng alipin ang kampo ng mga Amalekita. Nakita nina David na kalat-kalat ang mga ito. Sila'y masasayang nagkakainan, nag-iinuman at nagsasayawan. Nagpapasasa sila sa kanilang mga samsam sa Filistia at Juda. Kinaumagahan, lumusob sina David at pinagpapatay ang mga Amalekita hanggang gabi. Wala silang itinirang buháy maliban sa apatnaraang kabataan na nakatakas na sakay ng kanilang mga kamelyo. Nabawi nila ang lahat ng sinamsam ng mga Amalekita, pati ang dalawang asawa ni David. Isa man sa kasamahan nila'y walang nabawas, matanda't bata, maging sa kanilang mga anak; nabawi nga nilang lahat ang sinamsam ng mga Amalekita. At sinamsam pa nina David ang mga tupa at mga baka. Ang mga ito'y ipinadala niya sa kanyang mga tauhan pauwi. Sinabi nila, “Ito ay samsam ni David.” Nang makabalik sina David sa batis ng Besor, sinalubong sila ng dalawandaang tauhan niya na hindi nakasama dahil sa matinding pagod at sila'y kinumusta niya. Sa mga nakasama ni David ay may mga makasarili at mararamot. Sinabi ng mga ito, “Huwag nating bibigyan kahit ano 'yung hindi sumama sa atin. Ibigay na lang natin sa kanila ang kanilang asawa't mga anak at paalisin na natin sila.” Ngunit sinabi ni David, “Hindi tama iyan, mga kapatid. Ang mga bagay na ito ay ipinagkaloob sa atin ni Yahweh. Iniligtas niya tayo at ibinigay niya sa ating mga kamay ang mga kaaway na lumusob sa atin. Kaya, pare-pareho ang magiging bahagi ng lahat, maging kasama sa paglusob o naiwan upang magbantay sa ating mga ari-arian.” Mula noon, iyon ang naging patakaran ni David sa paghahati ng mga samsam, at ito'y sinunod ng buong Israel. Pagdating sa Ziklag, pinadalhan ni David ng bahagi ang mga kaibigan niya at ang pinuno ng bayan sa Juda. “Ito ang bahagi ninyo sa mga nasamsam namin sa mga kaaway ni Yahweh,” sabi niya. Pinadalhan din niya ang mga taga-Bethel, Timog Ramat, Jatir, Aroer, Sifmot, Estemoa at Racal. Gayundin ang mga taga-Jerameel at Cineo, pati ang nasa Horma, Borasan, Atac, Hebron at ang lahat ng lugar na narating ni David at ng kanyang mga tauhan. Dinigma ng mga Filisteo ang mga Israelita; kaya't ang mga Israelita ay nagsitakas, at marami sa kanila ang namatay sa Bundok Gilboa. Si Saul at ang kanyang mga anak ay inabutan ng mga Filisteo; pinatay ng mga Filisteo sina Jonatan, Abinadab at Melquisua, ang mga anak ni Saul. Napakatindi ng labanan sa palibot ni Saul; at nang siya'y makita at panain ng mga manunudla, si Saul ay malubhang nasugatan. Kaya, sinabi niya sa tagadala ng kanyang gamit-pandigma, “Saksakin mo na ako upang hindi na ako abutang buháy ng mga paganong iyan, at paglaruan pa nila.” Ngunit tumanggi ito sapagkat natatakot siyang gawin ito. Kaya binunot ni Saul ang kanyang espada at sinaksak ang kanyang sarili. Nang makita ng tagapagdala na nagpakamatay si Saul, ganoon din ang ginawa nito sa kanyang sarili. Kaya nang araw na iyon, sabay-sabay na namatay sina Saul, ang tatlo niyang anak na lalaki, ang kanyang tagadala ng sandata at ang lahat ng kanyang mga tauhan. Nang makita ng mga Israelitang nasa kabila ng libis at ng Ilog Jordan na tumakas na ang hukbo ng Israelita, at nang mabalitaang napatay na sina Saul at ang tatlong anak nito, nilisan nila ang kanilang mga bayan at tumakas na rin. Kaya't nang dumating ang mga Filisteo, dito na sila nagkuta. Kinabukasan, nang puntahan ng mga Filisteo ang kanilang mga napatay upang samsaman, natagpuan nila sa Bundok ng Gilboa ang bangkay ni Saul at ng tatlo niyang anak. Pinugutan nila ng ulo si Saul, at kinuha ang kasuotang-pandigma nito. Pagkatapos, nagpadala sila ng mga sugo sa buong lupain ng mga Filisteo upang ibalita ang magandang pangyayari sa lahat ng tao at sa mga templo ng kanilang mga diyus-diyosan. Ang kasuotang-pandigma ni Saul ay inilagay nila sa templo ni Astarte at ibinitin ang kanyang bangkay sa pader ng Bethsan. Subalit nabalitaan ng mga taga-Jabes-gilead ang ginawa ng mga Filisteo kay Saul, nagtipun-tipon ang mga magigiting na mandirigma. Magdamag silang naglakbay, at kinuha sa Bethsan. Dinala nila ang mga ito sa Jabes, at doon sinunog. Pagkatapos, kinuha nila ang mga buto at ibinaon sa ilalim ng punong tamarisko sa Jabes. Pitong araw silang nag-ayuno bilang pagluluksa. Nang magbalik si David buhat sa matagumpay na pakikidigma laban sa mga Amalekita, tumigil siya ng dalawang araw sa Ziklag. Nang sumunod na araw, dumating buhat sa labanan ang isang lalaking punit ang kasuotan at puno ng alikabok ang ulo. Lumapit ito kay David at nagpatirapa bilang pagbibigay-galang. “Saan ka galing?” tanong ni David. “Tumakas po ako sa kampo ng Israel,” sagot ng lalaki. “Bakit? Ano bang nangyari?” tanong ni David. “Umatras po sa labanan ang hukbo at maraming mga kawal ang napatay. Napatay rin po ang mag-amang Saul at Jonatan,” sagot ng lalaki. “Paano mo nalamang napatay sina Saul at si Jonatan?” tanong ni David. Isinalaysay ng lalaki ang pangyayari. “Nagkataon pong ako'y nasa Bundok ng Gilboa. Nakita ko pong hinahabol si Haring Saul ng mga kaaway sakay ng mga karwahe at kabayo. Noon po'y nakasandal siya sa kanyang sibat. Nang ako'y kanyang makita, tinanong niya kung sino ako. Sinabi ko pong ako'y isang Amalekita. Pinalapit po ako at ang sabi, ‘Hirap na hirap na ako sa kalagayang ito. Mabuti pa'y patayin mo na ako.’ Lumapit naman po ako at pinatay ko nga siya, sapagkat alam kong hindi na rin siya mabubuhay pa dahil sa kanyang tama. Pagkatapos, kinuha ko ang kanyang korona at ang pulseras sa kanyang braso. Heto po't dala ko para sa inyo, panginoon.” Nang marinig ito, pinunit ni David ang kanyang kasuotan; gayundin ang ginawa ng mga kasamahan niya. Tumangis sila, nag-ayuno at nagluksa hanggang gabi, sapagkat si Saul, ang anak nitong si Jonatan, at ang iba pang lingkod ni Yahweh sa bansang Israel ay nasawi sa labanan. Muling tinanong ni David ang lalaki, “Tagasaan ka nga ba?” “Ako po'y anak ng isang dayuhang Amalekita,” sagot naman nito. Sinabi ni David, “Hindi ka man lamang natakot na patayin ang haring pinili ni Yahweh?” Kaya't inutusan ni David ang isa niyang kabataang tauhan, “Patayin ang taong ito.” Iyon nga ang kanyang ginawa. At sa harap ng bangkay ay sinabi ni David, “Ikaw ang dapat sisihin sa iyong pagkamatay sapagkat hinatulan mo ang iyong sarili nang sabihin mong pinatay mo ang haring pinili ni Yahweh.” Dahil dito, kumanta si David ng isang awit ng pagluluksa bilang alaala kina Saul at sa anak nitong si Jonatan. ( Iniutos niyang ituro ito sa lahat ng mamamayan ng Juda. Nakasulat ito sa Aklat ni Jaser.) “Karangalan ng Israel sa burol ay niyurakan, nang mabuwal ang magigiting mong kawal! Dapat itong ilihim, hindi dapat ipaalam, lalo sa Gat, at Ashkelon, sa liwasan at lansangan; kung ito ay mababatid, tiyak na magdiriwang, ang mga Filisteong mga Hentil ang magulang. “Ang lupain ng Gilboa, ang iyong mga bundok, hindi na dapat ulanin, ni bigyan kahit hamog, mga bukid mo'y hindi na makapaghandog. Pagkat sandata ni Saul ay sa iyo nadungisan, na dati-rating makintab, ngayo'y balot ng kalawang. “Ang pana ni Jonatan noo'y hindi nabibigo. Ang kay Saul na sandata ay hindi naigugupo. “Si Saul at si Jonatan ay ulirang mag-ama, sa buhay at kamatayan ay palaging magkasama. Bilis nila'y higit pa sa agila, higit pa kaysa leon ang lakas na taglay nila. “Mga kababaihan ng Israel, kayo'y magsitangis, sa pagpanaw ni Saul na sa inyo'y nagparamit ng magandang kasuotang may hiyas na nakakabit. “Ang magigiting na kawal ay nabuwal sa labanan, ganyan napansin sa burol, nang bumagsak si Jonatan. “Sa pagpanaw mo, kapatid kong Jonatan, ngayon ako'y nagluluksa, pagkat ikaw ay mahal ko at sa iyo'y humahanga. Ang pag-ibig na ukol mo sa akin ay pambihira, mahigit pa sa pag-ibig ng babaing minumutya. “Ang magigiting na kawal sa labana'y nabuwal, ang kanilang mga sandata ay wala na ngayong kabuluhan.” Pagkaraan ng lahat ng ito, sumangguni si David kay Yahweh. “Pupunta po ba ako sa isa sa mga lunsod ng Juda?” tanong niya. “Lumakad ka,” sagot sa kanya ni Yahweh. “Saan pong lunsod?” tanong ni David. “Sa Hebron,” sagot ni Yahweh. Kaya't lumakad si David kasama ang dalawa niyang asawa, sina Ahinoam na Jezreelita, at si Abigail, ang biyuda ni Nabal na taga-Carmel. Isinama rin ni David ang kanyang mga tauhan pati ang kani-kanilang pamilya. Dumating sa Hebron ang mga taga-Juda at binuhusan nila ng langis si David bilang hari ng Juda. Nang sabihin nila kay David, “Ang mga taga-Jabes-gilead ang naglibing kay Saul,” nagpadala siya ng mga tauhan sa mga taong iyon dala ang pagbating, “Nawa'y pagpalain kayo ni Yahweh sa kagandahang-loob at kabutihang ginawa ninyo sa panginoon ninyong si Saul, nang siya'y inyong ilibing. Kamtan nawa ninyo ang pag-ibig at katapatan ni Yahweh, at ako nama'y handang gumanti sa inyong kabutihang ginawa. Maging matatag at matapang kayo. Patay na ang inyong haring si Saul at ginawa na akong hari ng mga taga-Juda.” Samantala, si Isboset na anak ni Saul ay kinuha ni Abner na anak ni Ner, pinuno ng hukbo ni Saul. Siya'y dinala sa Mahanaim, sa kabilang ibayo ng Jordan. Doo'y ginawang hari ni Abner si Isboset upang mamuno sa Gilead, sa mga Asureo, sa Jezreel, sa Efraim, sa Benjamin at sa buong Israel. Si Isboset na anak ni Saul ay apatnapung taon noon at dalawang taóng naghari sa Israel, ngunit si David ang kinilalang hari ng lipi ni Juda. Naghari si David roon sa loob ng pito't kalahating taon habang siya'y nanirahan sa Hebron. Ang hukbo ni Isboset sa pangunguna ni Abner ay lumabas sa Mahanaim upang pasukin ang Gibeon. Ang hukbo naman ni David sa pangunguna ni Joab, na anak ni Zeruias, ay lumabas din mula sa Hebron. Nagtagpo ang dalawang pangkat sa may ipunan ng tubig sa Gibeon at magkatapat na humanay. Sinabi ni Abner kay Joab, “Palabasin mo ang magagaling ninyong tauhan at isa-isang makipagtagisan ng lakas sa mga tauhan namin.” “Mangyayari ang gusto mo,” sagot ni Joab. Labindalawa sa panig ni David ang isa-isang lumabas at tinapatan naman ng labindalawang Benjaminita sa panig ni Isboset. Bawat isa'y kumuha ng katapat, naghawakan sa ulo at nagsaksakan sa tagiliran. Sama-sama silang nagkamatayan, kaya ang lugar na iyon sa Gibeon ay tinawag na Parang ng Patalim. Pagkatapos nito'y nagkaroon ng mahigpit na labanan sina Abner kasama ang mga taga-Israel laban sa mga tauhan ni David. Nang araw na iyon, natalo ang hukbo ng Israel na pinangungunahan ni Abner. Naroon ang tatlong anak ni Zeruias: sina Joab, Abisai at Asahel. Si Asahel ay simbilis ng usa kung tumakbo. Tuluy-tuloy na hinabol niya si Abner. Lumingon ito at siya'y tinanong, “Ikaw ba si Asahel?” “Oo, ako nga,” sagot niya. Sinabi sa kanya ni Abner, “Tigilan mo na ako. Iba na ang habulin mo at samsaman ng kanyang dala.” Ngunit hindi ito pinansin ni Asahel. Muling nagsalita si Abner, “Huwag mo na akong habulin, Asahel. At baka mapatay pa kita. Kapag napatay kita, anong mukhang ihaharap ko sa kapatid mong si Joab?” Ngunit hindi pa rin siya pinansin nito kaya't patalikod niyang isinaksak ang kanyang sibat at tumagos sa likod ni Asahel, at ito'y namatay. Ang lahat ng nakakita sa bangkay ni Asahel ay napapahinto. Gayunman, patuloy ring tinugis si Abner ng magkapatid na Joab at Abisai. Nang palubog na ang araw, narating nila ang burol ng Amma, tapat ng Giah, sa daang patungo sa pastulan ng Gibeon. Ang mga Benjaminita'y pumanig kay Abner; nagbuo sila ng isang pangkat at humanay sa ibabaw ng burol na iyon. Sumigaw si Abner kay Joab, “Itigil na natin ang patayang ito! Wala itong magandang ibubunga. Patigilin mo na ang iyong mga tauhan sa paghabol sa kanilang mga kamag-anak.” Sumagot si Joab, “Saksi ko ang Diyos na buháy. Kung hindi ka nagsalita, hindi ka nila titigilan hanggang umaga.” Kaya't hinipan ni Joab ang trumpeta at ang lahat niyang tauhan ay huminto sa pagtugis sa hukbo ng Israel. At huminto na ang kanilang labanan. Pagkatapos, si Abner at ang kanyang mga tauha'y magdamag at hanggang tanghaling naglakad sa Araba. Tumawid sila ng Jordan hanggang sa makarating sa Mahanaim. Nagbalik naman si Joab at hindi na itinuloy ang paghabol kay Abner. Nang tipunin ang kanyang hukbo, nalaman niyang kulang ng labingsiyam ang kanyang mga tauhan, bukod pa kay Asahel. Sa panig naman ng mga Benjaminita na pinangunahan ni Abner ay 360 ang napatay. Inilibing nila si Asahel sa libingan ng kanyang ama sa Bethlehem. Magdamag na naglakad ang mga tauhan ni Joab at mag-uumaga na nang dumating sila sa Hebron. Tumagal ang digmaan sa pagitan ng mga tauhan nina David at ng angkan ni Saul. Lumakas nang lumakas ang pangkat ni David samantalang patuloy namang humina ang angkan ni Saul. Samantalang nasa Hebron, ito ang mga naging anak na lalaki ni David: ang panganay ay si Amnon na anak niya kay Ahinoam. Si Quileab ang sumunod na anak naman niya kay Abigail, ang balo ni Nabal. Ang ikatlo'y si Absalom na anak kay Maaca na anak ni Talmai na hari sa Gesur. Si Adonias ang ikaapat, anak niya kay Haggit; ang ikalima'y si Sefatias, anak niya kay Abital; at ang ikaanim ay si Itream, anak niya kay Egla. Ang mga ito ang naging anak ni David sa Hebron. Habang naglalaban ang mga pangkat nina Saul at David, si Abner ang kinilalang pinuno ng mga tauhan ni Saul. Minsa'y pinagsabihan ni Isboset si Abner, “Bakit mo sinipingan si Rizpa, ang anak ni Aya, ang asawang-lingkod ng aking ama?” Nagalit si Abner sa sinabing ito ni Isboset at sumagot siya, “Anong palagay mo sa akin, isang taksil? Isang lihim na tauhan ng Juda? Hanggang sa araw na ito'y tapat ako sa sambahayan ng iyong amang si Saul, sa kanyang mga kapatid at mga kaibigan. Maging ikaw ay hindi ko ipinagkanulo kay David; bakit pagbibintangan mo ako sa babaing ito? Saksi ko ang Diyos; tulungan sana niya ako upang maisakatuparan ang pangako ni Yahweh kay David na maalis ang kaharian mula sa sambahayan ni Saul, at maitatag ang paghahari ni David sa Juda, mula sa Dan hanggang Beer-seba.” Hindi nakasagot si Isboset dahil sa takot kay Abner. Nagpadala si Abner ng mga sugo kay David sa Hebron at ito ang ipinasabi, “Kanino nga ba ang lupaing ito? Makipagkasundo ka sa akin at tutulungan kitang mapasaiyo ang buong Israel.” “Mabuti!” tugon ni David. “Papayag ako sa isang kondisyon: Hindi ka muna makikipagkita sa akin hangga't hindi mo nadadala rito si Mical na anak ni Saul.” Samantala, nagpadala rin si David ng mga sugo kay Isboset at ito naman ang ipinasabi, “Dalhin mo sa akin si Mical, ang napangasawa ko bilang kapalit ng sandaang balat ng pinagtulian ng mga Filisteo.” Kaya't pinahiwalay ni Isboset si Mical sa asawa nito, kay Paltiel na anak ni Lais. Sumama si Paltiel hanggang Bahurim, at habang daa'y umiiyak. Ngunit ang lalaki'y pinabalik ni Abner at hindi ito nakatutol. Nilapitan ni Abner ang pinuno ng Israel at sinabi, “Matagal nang hinahangad ninyong maging hari si David. Dumating na ang panahon upang matupad iyan. Ganito ang sinabi ni Yahweh tungkol sa kanya: ‘Sa pamamagitan ni David, ililigtas ko ang bansang Israel mula sa kamay ng mga Filisteo at iba pa nilang mga kaaway.’” Kinausap din ni Abner ang lipi ni Benjamin. Pagkatapos, nagpunta siya sa Hebron at sinabi kay David ang pinagkasunduan ng mga Israelita at ng lipi ni Benjamin. Nang tanggapin ni David si Abner, may kasama itong dalawampung tauhan. Hinandugan niya ito ng isang salu-salo. Sinabi ni Abner kay David, “Ngayo'y lalakad na ako upang ihandog nang buong-buo ang Israel sa inyong kamahalan. Magpapasakop sila sa inyo at maghari kayo sa kanila ayon sa inyong kagustuhan.” At mapayapang pinalakad ni David si Abner. Pagkaalis ni Abner, dumating naman mula sa pagsalakay ang mga kawal ni David sa pangunguna ni Joab. Napakarami nilang samsam na dala. Nalaman agad ni Joab na si Abner ay nakipagkita sa hari at pinayagan nitong umalis nang payapa. Pinuntahan agad ni Joab ang hari at sinabi, “Bakit po ninyo ginawa ito? Naparito na nga si Abner ay pinakawalan pa ninyo? Ngayo'y wala na siya! Hindi ba ninyo kilala si Abner? Naparito siya upang pagtaksilan kayo, gusto lamang niyang tiktikan ang inyong mga ginagawa.” Pagkatalikod sa hari, ipinahabol agad ni Joab si Abner. Inabutan nila ito sa may balon ng tubig sa Sira. Hindi alam ni David ang mga nangyayaring iyon. Nang maibalik na sa Hebron si Abner, tinawag ito ni Joab sa may pintuan ng lunsod at kunwari'y mag-uusap lang sila nang sarilinan. Dito niya isinagawa ang paghihiganti sa pagkamatay ng kapatid niyang si Asahel. Sinaksak niya sa tiyan si Abner at ito'y namatay. Nang mabalitaan ito ni David, sinabi niya, “Ako at ang aking kaharian ay walang sagutin sa harap ni Yahweh sa pagkamatay ni Abner. Dapat itong panagutan ni Joab at ng kanyang sambahayan. Ang kanyang sambahayan sana'y huwag mawalan ng mga baldado, may sakit na tulo, sakit sa balat na parang ketong, mapapatay sa labanan o mamamatay sa gutom!” Ngunit sa ganoong paraan ginantihan ng magkapatid na Joab at Abisai si Abner dahil sa pagpatay nito kay Asahel sa labanan sa Gibeon. Iniutos ni David kay Joab at sa lahat ng kasama nito na punitin ang kanilang mga damit at magsuot ng panluksa bilang pagdadalamhati sa pagkamatay ni Abner. Pati ang Haring David ay nakipaglibing din nang si Abner ay ilibing sa Hebron. Umiyak nang malakas ang hari at ang mga taong-bayan. Ganito ang awit-pagluluksa ng hari: “O Abner, dapat ka bang mamatay gaya ng isang tulisan? Ikaw naman ay malaya't walang gapos ang mga kamay. Mga paa mo nama'y hindi natatanikalaan, ngunit ikaw ay namatay sa kamay ng mga tampalasan.” Pagkarinig nito'y muling tumangis ang mga tao. Hinimok nila si David na kumain kahit bahagya, ngunit sinabi nito: “Isinusumpa kong hindi ako kakain kahit ano hangga't hindi lumulubog ang araw.” Ang mga tao'y sumang-ayon sa nakita nilang ginawa ni David sapagkat ito'y nakalugod sa kanila, tulad ng iba pang ginawa ng hari. Noon nalaman ng buong Israel na walang kinalaman ang hari sa pagkamatay ni Abner. Sinabi ng hari sa kanyang mga alipin, “Hindi ba ninyo nalalamang isang dakilang pinuno ang nawala ngayon sa Israel? Kahit na ako'y hari, nanliliit ako at kinikilabutan sa kasamaang ginawa ng mga anak ni Zeruias. Hindi ito maaatim ng aking kalooban. Parusahan nawa sila ni Yahweh!” Nang malaman ni Isboset na si Abner ay pinatay sa Hebron, pinagharian siya ng takot, pati ang buong Israel. Noo'y may dalawa siyang pinuno sa pagsalakay, sina Baana at Recab. Sila'y mga anak ni Rimon na taga-Beerot at mula sa lipi ni Benjamin. Ang Beerot ay dating sakop ng Benjamin, ngunit ang mga tagaroon ay tumakas at nagpunta sa Gitaim at doon na nanirahan. Isa pa sa mga apo ni Saul ay si Mefiboset na anak ni Jonatan. Limang taon siya noon nang mapatay sa Jezreel sina Saul at Jonatan. Nang dumating ang malagim na balita, dinampot siya ng tagapag-alaga upang itakas. Ngunit sa pagmamadali ay nabitawan siya at iyon ang dahilan ng kanyang pagkalumpo. Isang tanghali, sina Recab at Baana ay pumasok sa tahanan ni Isboset samantalang ito'y namamahinga. Hindi sila namalayang pumasok sapagkat ang babaing bantay-pinto ay nakatulog dahil sa pagod sa paglilinis ng trigo. Kaya't tuluy-tuloy sila sa silid ni Isboset at pinatay nila habang ito'y natutulog. Pinutol nila ang kanyang ulo saka sila tumakas. Magdamag silang naglakbay sa lupain ng Araba patungo sa Hebron. Dinala nila ang ulo ni Isboset kay David at ang sabi rito, “Narito ang ulo ng anak ni Saul, ang nagtangka sa iyong buhay. Ipinaghiganti ngayon ni Yahweh ang inyong kadakilaan!” Sumagot na may sumpa si David sa magkapatid na Recab at Baana, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, at tumulong sa akin sa lahat kong kagipitan. Hinuli ko at pinatay sa Ziklag ang taong nagbalita sa aking patay si Saul sa pag-aakalang matutuwa ako sa balitang iyon. Gaano pa kaya ang aking gagawin sa mga taong pumatay sa walang malay na natutulog sa sariling tahanan! Hindi kaya dapat kayong lipulin sa daigdig na ito dahil sa ginawa ninyong iyan?” Kaya't iniutos ni David na sila'y patayin at ganoon nga ang ginawa ng mga kawal. Pinutol nila ang mga kamay at paa ng magkapatid at ibinitin sa may lawa sa Hebron. Ang ulo naman ni Isboset ay dinala sa Hebron at isinama sa libingan ni Abner. Nagkaisa ang lahat ng lipi ng Israel na pumunta sa Hebron upang makipagkita kay David. Sinabi nila, “Kami'y laman ng iyong laman at dugo ng iyong dugo. Nang si Saul pa ang hari namin, pinangunahan mo ang mga kawal ng Israel sa pakikipagdigma. Ipinangako sa iyo ni Yahweh na ikaw ang magiging pastor ng Israel at ikaw ang mamumuno sa kanyang bayan.” Lahat ng pinuno ng Israel ay nagpunta nga sa Hebron at doo'y nakipagkasundo sa kanya sa harapan ni Yahweh. Binuhusan nila ng langis si David at kinilalang hari sa Israel. Tatlumpung taon na noon si David nang siya'y magsimulang maghari, at naghari siya sa loob ng apatnapung taon. Sa Hebron, pitong taon at kalahati siyang namuno sa Juda. Sa Jerusalem naman ay tatlumpu't tatlong taon siyang naghari sa buong Israel at Juda. Nang siya'y maging hari, pinangunahan niya ang kanyang mga kawal upang lusubin ang mga Jebuseo na nasa Jerusalem. Sinabi nila kay David, “Hindi ka makakapasok dito, kahit mga bulag at lumpo lamang ang magtanggol dito.” Ngunit nakuha ni David ang kuta ng Zion at ito'y tinawag na Lunsod ni David hanggang ngayon. Bago iyon nangyari ay sinabi ni David, “Sinumang may gustong sumalakay sa mga Jebuseo ay umakyat sa daluyan ng tubig at patayin ang mga kawawang bulag at pilay na iyon.” Doon nagmula ang kawikaang, “Walang bulag o pilay na makakapasok sa templo ni Yahweh!” Doon tumira si David sa kuta at tinawag na Lunsod ni David. Pinalawak niya ang lunsod mula sa Millo sa gawing silangan ng burol. Habang tumatagal ay lalong nagiging makapangyarihan si David sapagkat sumasakanya si Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat. Si Haring Hiram ng Tiro ay nagpadala ng mga sugo kay David. Pagkatapos, nagpadala siya ng mga kahoy na sedar at mga karpintero at kanterong gagawa ng palasyo ni David. Noon natiyak ni David na ang pagiging hari niya sa Israel ay pinagtibay na ni Yahweh at ginawang maunlad ang kanyang kaharian alang-alang sa bayang Israel. Paglipat niya sa Jerusalem buhat sa Hebron, siya ay kumuha pa ng maraming asawa at asawang-lingkod. Nadagdagan pa ang kanyang mga anak. Ito ang mga anak niya roon: sina Samua, Sobab, Natan, Solomon, Ibhar, Elisua, Nefeg, Jafia, Elisama, Eliada at Elifelet. Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ay kinilala nang hari ng Israel, tinipon nila ang kanilang hukbo upang siya'y digmain. Umabot ito sa kaalaman ni David, kaya't nagpunta siya sa isang kuta. Dumating ang mga Filisteo at humanay sa kapatagan ng Refaim. Sumangguni si David kay Yahweh, “Lalabanan ko ba ang mga Filisteo? Matatalo ko ba sila?” tanong ni David. Sumagot si Yahweh, “Lumusob ka at magtatagumpay ka.” Lumusob nga si David at tinalo niya ang mga Filisteo sa Baal-perazim. Sinabi niya, “Nilupig ni Yahweh ang aking mga kaaway na parang dinaanan ng rumaragasang baha.” Kaya, Baal-perazim ang itinawag sa lugar na iyon. Naiwan ng mga Filisteo ang kanilang mga diyus-diyosan at ang mga iyo'y kinuha nina David. Ngunit nagbalik ang mga Filisteo at humanay muli sa kapatagan ng Refaim. Sumangguni na naman kay Yahweh si David at ito ang sagot: “Huwag mo silang lulusubin nang harapan. Lumigid ka sa kanilang likuran sa tapat ng mga puno ng balsam. Pagkarinig mo ng mga yabag sa itaas ng mga kahuyan, lumusob ka agad, sapagkat ako ang nangunguna upang gapiin sila.” Sinunod ni David ang iniutos ni Yahweh at tinalo nga nila ang mga Filisteo mula sa Geba hanggang Gezer. Pagkatapos nito, muling tinipon ni David ang mga piling kawal ng Israel; may tatlumpung libong kalalakihan lahat. Pinangunahan niya ang buong hukbo at nagpunta sila sa Baale-Juda upang kunin ang Kaban ng Tipan na kumakatawan sa kaluwalhatian ni Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat, na nakaluklok sa ibabaw ng mga kerubin. Kinuha nila ito sa bahay ni Abinadab doon sa burol at isinakay sa isang bagong kariton na inaalalayan ng dalawang anak nito na sina Uza at Ahio. Si Ahio ay nauuna ng paglakad sa kaban. Si David at ang buong bayan ng Israel ay buong galak na sumasayaw. Sila'y umaawit sa saliw ng mga lira, kudyapi, tamburin, kastaneta, at pompiyang. Nang malapit na sila sa may giikan ni Nacon, natalisod ang mga baka kaya't hinawakan ni Uza ang Kaban ng Tipan. Nagalit si Yahweh at siya'y pinarusahan sa ginawang iyon. Noon di'y namatay si Uza sa tabi ng Kaban ng Tipan. Nagalit si David dahil pinarusahan ni Yahweh si Uza. Hanggang ngayon, ang lugar na iyon ay tinatawag na Perez-uza. Dahil dito'y natakot si David kay Yahweh. Sinabi niya, “Paano ko iingatan ngayon ang Kaban ng Tipan?” Hindi niya ito mapangahasang dalhin sa Lunsod ni David, kaya't doon na niya inihatid sa bahay ni Obed-edom na taga-Gat. Tatlong buwang nanatili roon ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, at pinagpala ni Yahweh si Obed-edom at ang kanyang sambahayan. May nagbalita kay Haring David na pinagpalang mabuti ni Yahweh si Obed-edom. Ito'y ikinagalak niya, kaya kinuha niya ang Kaban ng Tipan at dinala sa Jerusalem. Hindi pa man nakakalayo, nakakaanim na hakbang pa lamang ang mga may dala ng Kaban ng Tipan, pinahinto na sila ni David at naghandog sila ng isang toro at isang pinatabang baka. Isinuot ni David ang isang linong efod, at nagsasayaw siya sa harapan ni Yahweh. Habang lumalakad ang mga Israelita, nagsisigawan sila sa tuwa at hinihipan ang mga trumpeta. Nang sila'y papasok na ng lunsod, si David ay naglululundag at nagsasayaw. Nang siya'y madungawan ni Mical na anak ni Saul, hindi niya nagustuhan ang ginawa ni David. Ipinasok nila sa tolda ang Kaban ng Tipan at inilagay sa lugar na nakalaan dito. Si David nama'y muling nag-alay ng mga handog na susunugin sa harapan ni Yahweh. Pagkatapos, binasbasan niya ang mga tao sa pangalan ni Yahweh na Pinakamakapangyarihan sa Lahat. Bago nagsiuwi ang lahat ng mga Israelita, lalaki man o babae, sila'y pinakain ng tinapay, karne at pasas. Pag-uwi ni David upang batiin ang kanyang pamilya, sinalubong siya ni Mical na may ganitong pagbati: “Dakilang araw ito sa hari ng Israel na parang baliw na nagsasayaw sa harapan ng mga aliping babae ng kanyang mga tauhan.” Sumagot si David, “Ginawa ko iyon upang parangalan si Yahweh. Sapagkat sa halip na ang iyong ama at ang kanyang sambahayan, ako ang pinili ni Yahweh na mamuno sa Israel. At patuloy pa akong magsasayaw upang parangalan si Yahweh, at gagawa pa nang mas masahol dito. Sa tingin mo'y hamak ako dahil sa aking ginawa, ngunit sa paningin ng mga babaing iyon ay marangal ang ginawa ko.” Si Mical na anak ni Saul ay hindi nagkaanak hanggang sa siya'y mamatay. Si David ay panatag nang nakatira sa kanyang palasyo. Sa tulong ni Yahweh, hindi na siya ginambala ng kanyang mga kaaway. Tinawag niya si Natan at sinabi, “Ang tahanan ko'y yari sa sedar, samantalang nasa isang tolda lamang ang Kaban ng Diyos.” Sumagot si Natan, “Isagawa mo ang iyong iniisip, sapagkat si Yahweh ay sumasaiyo.” Ngunit nang gabi ring iyon, sinabi ni Yahweh kay Natan, “Pumunta ka kay David na aking lingkod at sabihin mo, ‘Ipagtatayo mo ba ako ng tahanan? Mula nang ilabas ko sa Egipto ang Israel, wala pa akong bahay na masasabing akin. Hanggang ngayo'y tolda pa ang aking tahanan. Kahit lagi akong kasama ng Israel, wala akong sinabing anuman sa sinumang pinuno tungkol sa tahanang sedar na dapat kong tirhan, gayong ako ang pumili sa kanila upang mamahala sa aking kawan.’ Sabihin mo rin sa lingkod kong si David ang salitang ito ni Yahweh: ‘Kinuha kita mula sa pagpapastol ng tupa upang gawing pinuno ng bayang Israel. Kasama mo ako saan ka man magtungo at lahat mong mga kaaway ay aking nilipol. Gagawin kong dakila ang iyong pangalan tulad ng mga dakilang tao sa daigdig. Bibigyan ko ang Israel ng kanyang lupa at doon ko papatirahin. Wala nang gagambala sa kanila roon; wala nang taong mararahas na aalipin sa kanila tulad noong una, buhat nang maglagay ako ng hukom nila. Magiging payapa ka sapagkat wala nang gagambala sa iyo. Bukod dito, akong si Yahweh ay nagsasabi sa iyo, papatatagin ko ang iyong sambahayan. Pagkamatay mo, isa sa mga anak mong lalaki ang hahalili sa iyo bilang hari, at papatatagin ko ang kanyang kaharian. Siya ang magtatayo ng templo para sa akin, at sa kanyang angkan magmumula ang maghahari sa aking bayan magpakailanman. Ako'y kanyang magiging ama at siya'y aking magiging anak. Kung siya'y magkasala, paparusahan ko siya tulad ng pagpaparusa ng ama sa nagkakasalang anak. Ngunit ang paglingap ko sa kanya'y hindi magbabago, di tulad ng nangyari kay Saul. Magiging matatag ang iyong sambahayan, ang iyong kaharia'y hindi mawawaglit sa aking paningin at mananatili ang iyong trono magpakailanman.’” Isinaysay nga ni Natan kay David ang lahat ng sinabi sa kanya ni Yahweh. Pagkatapos nito, pumasok sa tolda si Haring David, umupo at nanalangin. Sinabi niya, “Ako po at ang aking pamilya ay hindi karapat-dapat sa lahat ng kabutihang ginawa ninyo sa akin, Panginoong Yahweh. Maaaring maliit na bagay lamang ito sa inyong paningin, O Panginoong Yahweh, subalit napakalaki para sa amin sapagkat tiniyak na ninyo ang magandang kalagayan ng sambahayan ko para sa hinaharap. Wala na akong masasabi sapagkat kilala ninyo ang inyong lingkod. Ayon sa inyong pangako, niloob ninyong maging dakila ang inyong lingkod. Napakadakila mo, O Panginoong Yahweh. Wala pa kaming nababalitaang Diyos na tulad ninyo. Ikaw lamang ang Diyos. Walang bansang maitutulad sa Israel. Ito'y hinango ninyo sa pagkaalipin upang maging inyong bayan. Ito lamang ang bansang pinagpakitaan ninyo ng mga kakila-kilabot at dakilang bagay para sila'y matulungan. Itinaboy ninyo ang ibang mga bansa at inalis ang kanilang mga diyus-diyosan pagdating nila. Yahweh, itinatag ninyo ang bansang Israel upang maging inyo magpakailanman at kayo po ang kanilang naging Diyos. “At ngayon Panginoong Yahweh, gawin ninyo ang inyong pangako sa inyong alipin at sa kanyang sambahayan. Pararangalan ang inyong pangalan ng lahat ng bansa at sasabihin nila, ‘Si Yahweh, ang Makapangyarihan, ay Diyos ng Israel!’ Sa gayon, magiging matatag sa harapan ninyo ang sambahayan ni David na inyong lingkod. Yahweh, Makapangyarihang Diyos ng Israel, nagkaroon ako ng lakas ng loob na manalangin ng ganito sapagkat kayo na rin ang nagsabi sa inyong lingkod na paghahariin ninyo sa Israel ang aking angkan. “Panginoong Yahweh, kayo'y tapat at tumutupad sa mga pangako ninyo sa akin. Ngayo'y pagpalain ninyo ang sambahayan ng inyong lingkod upang ito'y magpatuloy. Panginoong Yahweh, ikaw rin ang nangako nito kaya manatili nawa sa aking angkan ang iyong pagpapala.” Pagkatapos nito, nilusob at nilupig ni David ang mga Filisteo kaya't natapos ang paghahari ng mga ito sa lupaing iyon. Nilupig din niya ang mga Moabita. Pinahilera niya nang pahiga ang mga ito at sa pamamagitan ng isang panukat, nagpapasya siya kung sino ang dapat patayin. Bawat dalawang sukat ay ipinapapatay at ang pangatlong sukat ay pinaliligtas at pinagbabayad ng buwis. Tinalo rin niya si Hadadezer, ang anak ng Haring Rehob ng Soba. Si Hadadezer ay papunta noon sa mga lupain sa baybayin ng Ilog Eufrates upang bawiin ang mga lupaing iyon. Sa labanang ito'y 1,700 kawal na nakakabayo at 20,000 kawal na lakad ang nabihag ni David. Pinilayan niya ang mga kabayo, maliban sa itinira niyang sapat na bilang para humila ng sandaang karwahe. Ang napatay nilang tumulong kay Hadadezer na mga taga-Siria buhat sa Damasco ay dalawampu't dalawang libo. Nasakop din niya ang lugar na ito, kaya nagtayo siya ng mga himpilan sa Aram, malapit sa Damasco, at pinagbuwis niya ang mga tagaroon. Sa tulong ni Yahweh, si David ay nagtatagumpay saanman siya magpunta. Ang mga pananggang ginto ni Hadadezer na dala ng kanyang mga alipin ay sinamsam ni David at dinala sa Jerusalem. Marami rin siyang nasamsam na tanso sa Beta at Berotai, mga lunsod ni Hadadezer. Nang mabalitaan ni Haring Toi ng Hamat na tinalo ni David ang buong hukbo ni Hadadezer, isinugo niya ang kanyang anak na si Joram upang batiin si David, sapagkat si Hadadezer ay matagal nang kaaway ni Toi. Dinalhan siya ni Joram ng mga sisidlang pilak, ginto at tanso. Inilaan ni David ang mga ito para sa pagsamba kay Yahweh, kasama ng ginto at pilak na sinamsam niya sa mga bansang kanyang nilupig— sa Edom, sa Moab, sa Ammon, sa Filistia at sa Amalek—at bahagi ng kanyang nasamsam kay Hadadezer, anak ni Rehob na hari ng Soba. Si David ay lalong natanyag nang mapatay niya ang labing-walong libong Edomita sa Libis ng Asin. At bago siya bumalik, nagtayo muna siya ng mga himpilan sa buong Edom at naging alipin niya ang lahat ng mamamayan doon. Pinagtagumpay ni Yahweh si David saanman siya magpunta. Naghari si David sa buong Israel. Ipinatupad niya ang batas at pinairal ang katarungan. Ginawa niyang pinuno ng hukbo si Joab, anak ni Zeruias. Si Jehoshafat naman na anak ni Alihud ang kalihim ng pamahalaan. Si Zadok namang anak ni Ahitub at si Ahimelec na anak ni Abiatar ang mga pari. Ang tagapagtala at nag-iingat ng lahat ng kasulatan ay si Seraya. Si Benaias na anak ni Joiada ang pinamahala niya sa mga bantay na Kereteo at Peleteo. Ang mga lalaking anak ni David ay nagsilbi ring mga pari. Minsa'y nagtanong si David, “Mayroon pa bang nalalabi sa sambahayan ni Saul? Gusto kong ipadama sa kanya ang aking kagandahang-loob alang-alang kay Jonatan.” Nang buháy pa si Saul, may alipin siyang Ziba ang pangalan, kaya't ipinatawag ito ni David. Paglapit ni Ziba, tinanong siya ng hari, “Ikaw ba si Ziba?” “Ako nga po, mahal na hari” tugon niya. “May nalalaman ka bang buháy sa sambahayan ni Saul? Gusto ko siyang pakitaan ng mabuti, ayon sa aking pangako sa Diyos,” wika ng hari. “Mayroon po. Si Mefiboset na anak ni Jonatan. Siya po'y isang lumpo,” tugon ni Ziba. “Saan siya naroon?” tanong muli ng hari. “Nasa Lo-debar po, nakatira sa bahay ni Maquir na anak ni Amiel,” sagot ni Ziba. Ipinasundo agad ni David si Mefiboset, anak ni Jonatan at apo ni Saul. Nang maiharap siya kay David, siya'y nagpatirapa bilang pagbibigay-galang. “Ikaw ba si Mefiboset?” tanong ng hari. “Ako nga po, mahal na hari” sagot naman nito. Sinabi ni David, “Huwag kang matakot. Gagawin ko ang lahat ng magagawa ko para sa iyo, alang-alang kay Jonatan. Ibabalik ko sa iyo ang lahat ng lupain ng iyong lolong si Saul, at laging nakahanda ang aking hapag para sa iyo.” Nagpatirapang muli si Mefiboset, at sinabi niya, “Sino po ako para pag-ukulan ng pansin? Ako'y walang silbi!” Tinawag ni David si Ziba at sa harapan niya'y sinabi, “Ibibigay ko sa apo ni Saul ang lahat ng ari-arian niya at ng kanyang sambahayan. Kayo ng iyong mga anak at mga alipin ang magbubungkal ng kanyang lupain. Aalagaan ninyong mabuti upang mag-ani nang sagana at magkaroon ng sapat na pagkain ang sambahayan ng iyong panginoon. Ngunit si Mefiboset ay sa akin sasalo ng pagkain.” Ang mga anak ni Ziba ay labinlima at dalawampu ang kanyang mga alipin. Sumagot si Ziba, “Masusunod pong lahat ang utos ninyo, Kamahalan.” At mula noo'y kasalo na ni David si Mefiboset, parang tunay na anak niya. Si Mefiboset ay may bata pang anak na lalaki na ang pangala'y Mica. Mula nga noon, ang buong sambahayan ni Ziba ay naglingkod kay Mefiboset. Kaya't si Mefiboset na pilay ang parehong paa ay nanirahan sa Jerusalem, at kasalo ng hari sa pagkain. Hindi nagtagal at namatay ang hari ng mga Ammonita. Ang pumalit dito ay ang anak niyang si Hanun. Sinabi ni David, “Kakaibiganin ko si Hanun, ang anak ni Nahas, sapagkat kaibigan kong matalik ang kanyang ama.” Kaya't nagsugo siya ng mga kinatawan upang makiramay sa kanya. Ngunit nang dumating ang mga ito, sinabi ng mga pinunong Ammonita kay Hanun, “Nakakatiyak ba kayo na talagang pinaparangalan ni David ang inyong ama sa kanyang pakikiramay sa inyo? Hindi kaya lihim na nagmamanman lamang ang mga sugong ito para masakop ang lunsod?” Kaya't ipinahuli ni Hanun ang mga sugo ni David, inahit ang kalahati ng kanilang balbas, at ginupit ang kanilang kasuotan hanggang sa balakang, saka ipinagtabuyan. Nang mabalitaan ni David ang ginawang paghamak na ito, ipinasalubong niya ang kanyang mga sugo sapagkat sila'y nahihiyang magbalik. Inutusan niyang doon na muna sila sa Jerico, hanggang hindi tumutubong muli ang kanilang balbas. Nang malaman ng mga Ammonita na ito'y ikinagalit ni David, umupa sila ng 20,000 kawal mula sa Aram buhat sa Beth-rehob at Soba. Umupa rin sila ng 1,000 tauhan sa pangunguna ng hari ng Maaca, at 12,000 pang taga-Tob. Nalaman ito ni David, kaya't pinalabas niya si Joab kasama ang lahat niyang mandirigma. Dumating naman ang mga Ammonita at humanay sa pintuan ng lunsod. Samantala, sa labas ng kapatagan naman humanay ang mga kawal ng Aram, kasama ang mga tauhan nina Tob at Maaca. Nang makita ni Joab ang mga kaaway sa kanilang harapan at likuran, itinapat niya sa mga kawal ng Aram ang pinakamahuhusay na kawal Israelita. Ang iba niyang kawal ay ipinailalim niya sa pamumuno ni Abisai na kanyang kapatid, at iniharap naman sa mga Ammonita. Sinabi ni Joab kay Abisai, “Kung hindi namin makakaya ang mga kawal ng Aram, tulungan ninyo kami. Kung hindi naman ninyo kaya ang mga Ammonita, kayo ang tutulungan namin. Magpakatapang kayo! Lakasan ninyo ang loob sa paglaban alang-alang sa bayan at sa mga lunsod ng ating Diyos, at mangyari nawa ang kalooban ni Yahweh.” Lumusob sina Joab at nang malapit na sila'y nagtakbuhan sa takot ang mga kawal ng Aram. Pagkakita ng mga Ammonita sa nangyari, umatras na rin sila at pumasok sa lunsod dahil sa takot kay Abisai. Mula sa labanan, si Joab ay nagbalik sa Jerusalem. Nang malaman ng mga taga-Siria na sila ay natalo ng mga Israelita, muli nilang tinipon ang kanilang hukbo. Ipinatawag ni Hadadezer ang kanyang mga tauhan sa silangan ng Ilog Eufrates. Dumating sila sa Elam at ipinailalim sa pamumuno ni Sobac. Umabot agad ito sa kaalaman ni David, kaya't tinipon niya ang buong hukbo ng Israel. Tumawid sila ng Ilog Jordan upang harapin ang mga kaaway sa Elam. Humanda naman ang mga kawal ng Aram, at sila'y naglaban. Nalupig na naman sila at nagsitakas habang tinutugis ng mga Israelita. Ang napatay nina David ay 700 nakakarwahe at 40,000 kawal na nakakabayo. Pati si Sobac ay nasugatan nang malubha at namatay sa pook ng labanan. Nang makita ng mga haring sakop ni Hadadezer na wala silang kalaban-laban sa Israel, sumuko na sila. Mula noon, hindi na tumulong kailanman ang mga taga-Siria sa mga Ammonita. Nang sumapit ang tagsibol, panahon na karaniwang nakikipagdigma ang mga hari, pinalabas ni David ang buong hukbo ng Israel. Sa pangunguna ni Joab at ng iba pang mga pinuno, pinuksa nila ang mga Ammonita at kinubkob ang Rabba. Subalit si David ay nagpaiwan sa Jerusalem. Isang hapon, pagkagising ni David, umakyat siya sa bubungan ng palasyo at naglakad-lakad. Mula roon, may natanaw siyang isang babaing naliligo. Napakaganda ng babae. Ipinagtanong niya kung sino iyon. Sinabi sa kanya na iyo'y si Batsheba, anak ni Eliam at asawa ni Urias na isang Heteo. Ipinakuha niya si Batsheba na noo'y katatapos pa lamang ng kanyang paglilinis ayon sa tuntunin para sa mga babaing nireregla. Sinipingan siya ni David, at pinauwi pagkatapos. Dahil sa nangyaring ito, si Batsheba'y nabuntis, at ipinasabi niya ito kay David. Inutusan agad ni David si Joab na papuntahin sa kanya si Urias na Heteo. Iyon nga ang ginawa ni Joab. Nang dumating ito, tinanong siya ni David, “Kumusta si Joab at ang hukbo? Ano ang lagay ng labanan?” Sinabi pa niya kay Urias, “Umuwi ka na at sipingan ang iyong asawa sapagkat nanggaling ka pa sa malayong paglalakbay.” Lumakad nga si Urias. Ang hari ay nagpadala pa ng regalo para sa tahanan nito. Ngunit hindi pala ito nagtuloy sa kanila. Sa halip, doon siya natulog sa may tarangkahan ng palasyo, kasama ng mga bantay. Nalaman ito ni David at sinabi niya kay Urias, “Hindi ba't kararating mo lang buhat sa isang mahabang paglalakbay? Bakit hindi ka umuwi?” Sumagot siya, “Ang Kaban ng Tipan at ang mga kawal ng Israel at Juda ay nasa mga tolda lamang, at sa labas naman natutulog ang aking pinunong si Joab at ang inyong mga punong-kawal. Sa ganitong kalagayan, hindi po maaatim ng aking kaloobang ako'y umuwi upang magpakaligaya sa piling ng aking asawa. Sa harapan ng Diyos, hindi ko po magagawa iyon.” Sinabi ni David kay Urias, “Dumito ka muna ng isa pang araw at bukas ka na umalis.” Kaya nanatili siya sa Jerusalem nang araw na iyon. Kinabukasan, inanyayahan ni David sa pagkain si Urias at ito'y kanyang nilasing. Hindi rin ito umuwi nang gabing iyon, bagkus natulog na kasama rin ng mga bantay. Kinabukasan, sumulat si David kay Joab at ipinadala kay Urias. Ganito ang nilalaman: “Ilagay mo si Urias sa unahan kung saan mainit ang labanan. Pagkatapos, iwan mo siya roon at bayaan mo siyang mapatay.” Habang pinapaligiran nina Joab ang lunsod, inilagay niya si Urias sa gawing malalakas ang kaaway. Lumabas ang mga kaaway mula sa lunsod, at sinalakay ang mga kawal ni Joab. Napatay ang ilang pinuno ni David, kasama si Urias. Ipinadala ni Joab kay David ang ulat tungkol sa labanan. Ngunit ito ang ipinagbilin niya, “Matapos mong ibalita sa hari ang tungkol sa labanan, maaaring siya'y magalit at itanong, ‘Bakit kayo nagpakalapit sa lunsod? Hindi ba ninyo alam na maaari kayong panain mula sa itaas ng pader? Hindi ba ninyo alam ang dahilan ng pagkamatay ni Abimelec na anak ni Gideon? Siya'y nabagsakan ng batong gilingan na inihulog ng isang babae mula sa itaas ng pader sa Tebez. Bakit masyado kayong lumapit sa pader?’ Kung magkagayon, saka mo sabihing napatay rin si Urias.” Lumakad ang sugo at nag-ulat kay David ayon sa sinabi ni Joab. Sinabi niya sa hari, “Lumabas po ang maraming mga kaaway at nilusob kami, ngunit napaurong namin sila hanggang sa may pasukan ng lunsod. Noon po nila kami tinudla mula sa pader at ilan sa inyong mga pinuno ang napatay. Napatay rin po si Urias.” Sumagot si David, “Kung gayon, sabihin mo kay Joab na huwag ikalungkot ang nangyari, sapagkat talagang ganyan ang labanan, may napapatay. Ipagpatuloy ninyo ang paglusob hanggang sa mawasak ang lunsod. Sabihin mong huwag masisira ang kanyang loob.” Nang mabalitaan ni Batsheba na napatay si Urias, siya'y nagluksa. Pagkatapos ng pagluluksa, ipinatawag siya ni David at naging asawa nito. Nagkaanak siya ng isang lalaki, ngunit hindi nalugod si Yahweh sa ginawang ito ni David. Isinugo ni Yahweh kay David ang propetang si Natan. Pagdating doon ay sinabi niya, “Sa isang lunsod ay may dalawang lalaki, mayaman ang isa at ang isa'y dukha. Maraming kawan at bakahan ang mayaman, samantalang ang dukha ay may isa lamang munting babaing tupa. Inalagaan niya ito at pinalaking kasama ng kanyang mga anak. Kinakalong niya itong parang anak na babae, isinasalo sa pagkain at pinapainom. Minsan, may manlalakbay na naging panauhin ng mayamang lalaki. Sa halip na sa kanyang kawan kumuha ng hayop na papatayin, ang kaisa-isang tupa ng dukhang iyon ang kinuha ng mayaman. At iyon ang inihanda niya para sa kanyang panauhin.” Napasigaw sa galit si David, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, dapat mamatay ang taong iyan! Kailangang magbayad siya nang apat na beses sa kanyang ginawa, sapagkat inapi niya ang dukha.” Sinabi agad ni Natan kay David, “Ikaw ang lalaking iyon! Ito ang ipinapasabi sa iyo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Ginawa kitang hari ng Israel, iniligtas kita mula sa mga kamay ni Saul. Ibinigay ko na rin sa iyo ang sambahayan at mga asawa ni Saul pati ang mga lipi ng Israel at Juda. At mabibigyan pa kita ng higit pa riyan. Bakit mo hinamak ang salita ni Yahweh at gumawa ka ng masama sa kanyang paningin? Ipinapatay mo ang Heteong si Urias sa mga Ammonita at kinuha mo pa ang kanyang asawa. Dahil sa ginawa mong ito, at ako'y itinakwil mo, tandaan mong laging may mamamatay sa patalim sa iyong sambahayan.’ Sinabi pa rin ni Yahweh, ‘Pag-aawayin ko ang iyong sambahayan; sa harapan mo'y ibibigay ko sa iba ang iyong mga asawa, at sisipingan sila kahit sa katanghaliang-tapat. Ginawa mo ito nang lihim, hayag kitang paparusahan at makikita ito ng buong Israel.’” Sinabi ni David kay Natan, “Nagkasala ako kay Yahweh.” Sumagot si Natan, “Pinapatawad ka na ni Yahweh at hindi ka mamamatay. Ngunit dahil nilapastangan mo si Yahweh, ang magiging anak mo ang mamamatay.” Pagkatapos nito'y umuwi na si Natan. Tulad ng sinabi ni Yahweh, ang anak ni David sa asawa ni Urias ay nagkasakit nang malubha. Nanalangin si David sa Diyos para gumaling ang bata. Nagdamit siya ng panluksa at nag-ayuno, at sa lupa nahiga nang gabing iyon. Lumapit sa kanya ang matatandang pinuno sa palasyo at hinimok siyang bumangon, ngunit tumanggi siya. Ayaw rin niyang kumain. Pagkalipas ng anim na araw, namatay ang bata. Hindi nila ito masabi kay David, sapagkat iniisip nilang lalo silang hindi papakinggan nito at sa halip ay gumawa ng marahas na hakbang. Nakita ni David na nagbubulungan ang mga alipin, kaya't naghinala siyang patay na ang bata. “Patay na ba ang bata?” tanong niya. “Patay na nga po kamahalan,” sagot naman nila. Pagkarinig nito, bumangon si David, naligo at nagbihis. Pumasok siya sa bahay ni Yahweh, nagpatirapa at nanalangin. Pagkatapos, umuwi siya at humingi ng pagkain. Tinanong siya ng kanyang mga tauhan, “Hindi po namin kayo maintindihan. Noong buháy pa ang bata, nag-ayuno kayo at tumangis dahil sa kanya; ngayong patay na, bumangon kayo at kumain!” Sumagot si David, “Noong buháy pa ang bata, ako'y nag-ayuno at tumangis sa pag-asa kong kahahabagan ako ni Yahweh at pagagalingin ang aking anak. Ngayong patay na siya, bakit pa ako mag-aayuno; maibabalik ko pa ba ang kanyang buhay? Balang araw, susunod ako sa kanya ngunit hindi na siya makakabalik sa akin.” Inaliw ni David si Batsheba at sinipingan muli. Muli itong nagdalang-tao at nanganak ng isang lalaki. Solomon ang ipinangalan ni David sa bata. Palibhasa'y mahal ni Yahweh ang bata, isinugo niya si propeta Natan upang sabihing Jedidia ang itawag sa bata na ang ibig sabihi'y, “Mahal ni Yahweh.” Samantala, ipinagpatuloy ni Joab ang pagsalakay at handa na niyang pasukin ang Rabba, ang pangunahing lunsod ng mga Ammonita. Nagpadala siya ng mga sugo kay David upang ibalita na lumusob na siya sa Rabba at naagaw ang ipunan ng tubig doon. Kaya kailangang pangunahan naman niya ang iba pang kawal sa pagpasok sa lunsod. “Kapag hindi siya sumama,” sabi ni Joab, “ako ang sasalakay at akin ang karangalan.” Pagkatanggap ng balita, inihanda ni David ang kanyang hukbo, nilusob ang Rabba, at nagtagumpay siya. Inalisan niya ng korona ang diyus-diyosang si Malcam, at ipinutong ito sa kanyang ulo. May mahahalagang bato ang koronang ginto at ang bigat nito'y 35 kilo. Marami rin siyang samsam na inilabas sa lunsod. Binihag niya ang mga mamamayan, at pumili siya sa mga ito ng mga kantero, panday at karpintero, at pinagawa niya ng mga adobe. Ganito ang ginawa ni David sa lahat ng lunsod ng mga Ammonita bago sila nagbalik sa Jerusalem. Si Absalom, isang anak na lalaki ni David, ay may magandang kapatid na babae, si Tamar. Si Amnon, isa ring anak na lalaki ni David sa ibang babae, ay umibig kay Tamar. Dahil sa labis na pag-ibig sa kapatid niyang ito, siya ay nagkasakit. Hindi niya malaman ang gagawin at kung paano makukuha si Tamar sapagkat ito'y isang birhen. Ngunit may napakatusong kaibigan si Amnon na ang pangala'y Jonadab. Pamangkin ito ni David sa kanyang kapatid na si Simea. Sinabi ni Jonadab kay Amnon, “Ikaw ay isang anak ng hari ngunit tuwing umaga'y napapansin kong matamlay ka, bakit ba?” Ipinagtapat ni Amnon na umiibig siya kay Tamar. Kaya't sinabi ni Jonadab, “Ganito ang gawin mo. Mahiga ka sa kama at magkunwari kang may sakit. Pagdalaw ng iyong ama, sabihin mong papuntahin si Tamar upang magluto ng pagkain mo. Gusto mong makita siyang nagluluto at siya na rin ang magpakain sa iyo.” Kaya't nahiga nga si Amnon at nagsakit-sakitan. Pagdating ng hari, sinabi niya, “Sabihin naman ninyo kay Tamar na pumarito, at ipagluto ako ng tinapay. Gusto ko pong makitang siya ang nagluluto, at siya na rin ang magpakain sa akin.” Ipinagbilin nga ni David na magpunta si Tamar sa tirahan ni Amnon upang ipaghanda ito ng pagkain. Nagpunta naman si Tamar at dinatnan niya itong nakahiga. Kumuha siya ng minasang harina at nagluto ng ilang tinapay habang pinagmamasdan siya ni Amnon. Kinuha niya ito sa kawali at inihain kay Amnon, ngunit ayaw nitong kumain. Inutusan niyang lumabas ang lahat maliban kay Tamar. Pagkatapos, sinabi niya, “Tamar, dalhin mo rito sa silid ang pagkain at subuan mo ako.” Dinala nga niya sa silid ang pagkain ni Amnon. Nang ibibigay na ito sa kanya, biglang hinawakan ni Amnon ang kamay ni Tamar at sinabi, “Sumiping ka sa akin, kapatid ko.” “Huwag, kapatid ko!” sabi ng dalaga. “Huwag mo akong halayin. Hindi iyan pinahihintulutan sa bayang Israel. Huwag mong gawin ang kahalayang ito. Lalabas akong kahiya-hiya sa buong Israel. At ikaw, ano pa ang mukhang ihaharap mo sa mga tao? Bakit hindi ka na lang magsabi sa hari? Palagay ko'y hindi siya tututol na pakasalan mo ako.” Ngunit hindi nakinig si Amnon at dahil mas malakas siya, nagawa niyang pagsamantalahan si Tamar. Matapos siyang pagsamantalahan, si Amnon ay namuhi sa kanya ng pagkamuhing higit pa kaysa hibang na pag-ibig na dating iniukol niya rito. “Umalis ka na!” sabi niya kay Tamar. “Hindi ako aalis!” sagot ng babae. “Ang pagtataboy mong ito ay masahol pa sa kalapastanganang ginawa mo sa akin!” Ngunit hindi siya pinansin ni Amnon. Sa halip, inutusan nito ang isang katulong niya, “Palayasin mo ang babaing iyan at ikandado mo ang pinto pagkatapos!” Pinalabas nga siya ng katulong, at ikinandado ang pinto. Suot noon ni Tamar ang damit na may mahabang manggas, ang damit na karaniwang isinusuot noon ng mga birheng anak ng hari. Pinunit niya ito at nilagyan ng abo ang kanyang ulo. Pagkatapos, tinakpan ng kanyang mga kamay ang mukha, at umalis na umiiyak nang malakas. Nakita siya ni Absalom at tinanong, “May masama bang ginawa sa iyo si Amnon? Kung mayroon ma'y huwag mo nang alalahanin. Siya'y kapatid mo rin kaya't manahimik ka na lang.” Taglay ang matinding kalungkutan, si Tamar ay nanirahan na lang sa bahay ni Absalom. Galit na galit si Haring David nang mabalitaan ito. Si Absalom nama'y suklam na suklam kay Amnon dahil sa paglapastangan nito sa kapatid niyang si Tamar. Hindi na niya ito kinibo mula noon. Pagkaraan ng dalawang taon, inanyayahan ni Absalom ang lahat ng anak ng hari upang saksihan ang paggugupit sa kanyang mga tupa sa Baal-hazor, malapit sa Efraim. Lumapit siya sa hari upang ipaalam ang bagay na ito, at tuloy anyayahan naman siya at ang kanyang mga pinuno. “Huwag na, anak,” wika ng hari. “Maaabala kang masyado kung dadalo kaming lahat.” Pinilit siya ni Absalom ngunit hindi rin pumayag. Binasbasan na lang siya ng hari. Bago umalis si Absalom, sinabi niya sa hari, “Kung hindi kayo makakadalo, si Amnon na lang po ang pasamahin ninyo sa amin.” “Bakit mo siya isasama?” tanong ng hari. Ngunit nagpumilit si Absalom, at pinasama na rin ng hari si Amnon at ang iba pang mga kapatid nito. Iniutos ni Absalom sa kanyang mga alipin, “Bantayan ninyo si Amnon at kapag lasing na, sesenyas ako at patayin ninyo siya. Hindi kayo dapat matakot. Ako ang mananagot nito. Lakasan ninyo ang inyong loob at huwag kayong mag-atubili!” Ganoon nga ang ginawa ng mga alipin; pinatay nila si Amnon. Kaya't nagmamadaling tumakas ang mga anak na lalaki ng hari, sakay ng kani-kanilang mola. Nasa daan pa sila'y may nagbalita na kay David na pinatay ni Absalom ang lahat ng anak niyang lalaki. Kaya't tumayo siya, pinunit ang kanyang kasuotan at naglupasay sa lupa. Pinunit din ng mga alipin niya ang kanilang damit. Ngunit si Jonadab, ang pamangkin ni David kay Simea, ay lumapit sa hari. Sinabi niya, “Huwag po kayong maniwala na pinatay ang lahat ninyong anak na lalaki. Si Amnon po lang ang pinatay! Siya po lamang ang pinag-initan ni Absalom mula nang pagsamantalahan niya si Tamar. Kaya, huwag po kayong maniwala sa balitang iyon; talaga pong si Amnon lamang ang pinatay.” Samantala, si Absalom ay tumakas matapos ipapatay si Amnon. Ang bantay sa palasyo'y may natanaw na pulutong ng mga taong bumababa sa burol, sa gawi ng Horonaim. Kaya't sinabi ni Jonadab sa hari, “Dumarating na po ang mga anak ninyo, tulad ng sinabi ko sa inyo.” Nag-uusap pa sila'y dumating nga ang mga prinsipe na nag-iiyakan. Umiyak na rin ang hari at ang kanyang mga lingkod. Mahabang panahong nagluksa ang hari dahil sa pagkamatay ni Amnon. Si Absalom nama'y nagtago kina Talmai, anak ng haring Amihud ng Gesur. Tatlong taon siyang nagtago roon. Pagkalipas ng pagdadalamhati ng hari sa pagkamatay ni Amnon, nanabik siyang makita si Absalom. Napansin ni Joab, anak ni Zeruias, na ang hari ay nananabik na makita si Absalom. Kaya't nagpahanap siya sa Tekoa ng isang matalinong babae. Nang dumating ito ay sinabi niya, “Magsuot ka ng panluksa at magkunwari kang biyuda. Huwag kang mag-aayos para magmukha kang matagal nang nagluluksa. Pagkatapos, pumunta ka sa hari at sabihin mo sa kanya ang ipagbibilin ko sa iyo.” Matapos silang mag-usap ni Joab, lumakad na ang babae. Pagdating sa hari, siya'y nagpatirapa bilang pagbibigay-galang. Sinabi niya, “Tulungan po ninyo ako, mahal na hari!” “Bakit? Ano bang nangyari sa iyo?” tanong ng hari. “Ako po'y isang biyuda, may dalawa akong anak na lalaki. Minsan po'y nag-away sila sa bukid. Walang umawat sa kanila, kaya't napatay ang isa. Dahil doon, pinuntahan ako ng mga kamag-anak ng aking asawa. Galit na galit po sila at pilit na kinukuha ang anak kong buháy upang patayin din dahil sa pagkapatay nito sa kanyang kapatid. Kung magkagayon, mawawala na ang natitirang pag-asa ko sa buhay, at mapuputol ang lahi ng aking asawa.” Sinabi ng hari, “Umuwi ka na't ako na ang bahala.” Ngunit sinabi ng babae, “Mahal na hari, anuman po ang inyong maging pasya, kami rin ang dapat sisihin. Wala po kayong dapat panagutan.” Sinabi ng hari, “Kapag may bumanggit pa nito sa iyo, iharap mo sa akin para wala nang gumambala sa iyo.” “Kung ganoon po,” wika ng babae, “ipanalangin po ninyo kay Yahweh na inyong Diyos na huwag na nilang paghigantihan ang aking anak.” Sumumpa ang hari, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, walang masamang mangyayari sa anak mo.” “Isa pa pong kahilingan kung maaari, Kamahalan,” patuloy ng babae. “Sabihin mo,” sagot ng hari. At nagsalaysay ang babae. “Bakit po naman naisipan ninyong gawin ang ganoong kasamaan sa bayan ng Diyos? Sa inyo na rin pong bibig nanggaling ang hatol sa inyong Kamahalan sa hindi ninyo pagpapabalik sa inyong anak na inyong ipinatapon! Mamamatay tayong lahat at matutulad sa tubig na matapos matapon ay hindi na mapupulot. Kung hindi man ibinabalik ng Diyos ang buhay ng isang patay, ginagawan naman niya ng paraang mabalik ang isang ipinatapon. Sinabi ko po ito sa inyo dahil sa pagbabanta sa akin ng mga tao. Inisip ko pong kung ito'y ipagtapat ko sa inyo, maaaring dinggin ninyo ako at tulungan. Kaya't maliligtas ako at ang aking anak sa mga nagtatangka sa aming buhay at naghahangad na angkinin ang lupaing ipinamana ng Diyos sa kanyang bayan. Iniisip ko rin po na ang salita ninyo ay makapagdudulot sa akin ng kapanatagan sapagkat tulad kayo ng anghel ng Diyos na nalalaman ang lahat ng bagay. Sumainyo nawa si Yahweh na inyong Diyos!” Sinabi ng hari, “Tatanungin kita. Magsabi ka ng totoo.” “Opo, Kamahalan,” wika niya. “May kinalaman ba si Joab sa ginagawa mong ito?” tanong ng hari. “Mayroon nga po,” tugon niya. “Totoo pong ang lingkod ninyong si Joab ang nag-utos nito sa akin. Siya pong kumatha ng lahat ng sinasabi ko. Ginawa po niya ito upang ipaalala sa inyo ang katayuan ng inyong anak. Ngunit kayo, Kamahalan, ay kasing talino ng anghel ng Diyos, at alam ninyo ang lahat ng nangyayari sa lupain.” Dahil sa ginawang ito, tinawag ng hari si Joab at sinabi, “Pumapayag na akong pauwiin mo na rito si Absalom.” Buong pagpapakumbabang nagpatirapa si Joab, at nang mabasbasan, sinabi niya, “Ngayon ko po natiyak ang kagandahang-loob ng inyong Kamahalan, sapagkat pinagbigyan ninyo ako sa aking kahilingan.” At siya'y nagpaalam. Nagpunta agad si Joab sa Gesur at isinama sa Jerusalem si Absalom. Ngunit hindi pinahintulutan ng hari na iharap sa kanya ito, kaya't doon na siya nagtuloy sa sariling tahanan. Walang lalaki sa Israel na hinahangaan sa kakisigan tulad ni Absalom; walang maipipintas sa kanya mula ulo hanggang paa. Buhok pa lamang nito na minsan lamang gupitin sa loob ng isang taon ay mahigit nang tatlong kilo. Siya'y may anak na tatlong lalaki at isang napakagandang dalaga na Tamar ang pangalan. Dalawang buong taon na nanatili si Absalom sa Jerusalem, na hindi man lang siya nakita ng hari. Minsa'y ipinatawag niya si Joab upang suguin sa hari, ngunit hindi ito pumayag. Ipinatawag niyang muli ito, ngunit hindi rin siya sinunod. Kaya't sinabi ni Absalom sa kanyang mga alipin, “Alam ninyong may karatig akong bukid ni Joab na may tanim na sebada. Puntahan ninyo ito at sunugin.” Sinunog nga ng mga alipin ang bukid na iyon. Nagpunta agad si Joab kay Absalom at sinabi, “Bakit sinunog ng mga alipin mo ang aking bukid?” Sumagot si Absalom, “Dalawang beses kitang pinakiusapang dalhin sa hari ang aking kahilingan sa kanya, ngunit hindi mo ako pinansin. Bakit mo pa ako kinuha sa Gesur? Mabuti pang hindi na ako umalis doon! Dalhin mo ako sa hari ngayon din at kung ako'y may kasalanan, handa akong mamatay.” Nang marinig niya ito, nagpunta si Joab sa hari at matapos nilang mag-usap, si Absalom ay ipinatawag. Humarap naman ito sa hari at buong pagpapakumbabang nagbigay-galang. At hinagkan siya ng hari. Nang makabalik na si Absalom, naghanda siya ng sariling karwahe, mga kabayo at limampung tauhan. Maaga siyang bumabangon tuwing umaga at tumatayo sa tabi ng daang papasok sa lunsod. Ang bawat pumupunta roon na may dalang usapin para isangguni sa hari ay tinatanong niya kung tagasaan. Kapag sinabi ng tinanong ang kanyang liping pinagmulan, sinasabi agad ni Absalom, “May katuwiran ka sa usapin mo, kaya lang, walang inilagay ang hari na mag-aasikaso sa iyo.” Idinaragdag pa niya ang ganito: “Kung ako sana'y isang hukom ng bansa, tatanggapin ko ang bawat kasong dadalhin sa akin ng sinuman, at bibigyan ko siya ng katarungan.” Ang bawat lumapit upang magbigay-galang sa kanya ay agad niyang hinahawakan at hinahagkan. Ganito ang laging ginagawa ni Absalom sa mga Israelitang humihingi ng katarungan sa hari, kaya't nakuha niya ang loob ng mga ito. Lumipas ang apat na taon at sinabi ni Absalom sa hari, “Pahintulutan ninyong magpunta ako sa Hebron upang tuparin ko ang aking panata kay Yahweh. Nang nakatira pa ako sa Gesur ng Aram ay nangako ako nang ganito: ‘Kung loloobin ni Yahweh na ako'y makabalik sa Jerusalem, pupunta ako at sasamba sa kanya.’” Pinayagan naman siya ng hari. Kaya't naghanda agad si Absalom at nagpunta sa Hebron. Ngunit bago lumakad, siya'y lihim na nagpasugo sa lahat ng angkan ng Israel, at ito ang ipinasabi: “Kung marinig ninyo ang tunog ng trumpeta, isigaw ninyo: ‘Mabuhay si Absalom ang hari ng Hebron!’” Buhat sa Jerusalem, nagsama siya ng dalawandaang lalaki ngunit ang mga ito'y walang nalalaman tungkol sa balak niya. Habang nag-aalay si Absalom ng kanyang mga handog, ipinasundo niya si Ahitofel na taga-Gilo at isang tagapayo ni David. Dumami ang mga kasabwat at naging tagasunod ni Absalom. Dumating kay David ang balitang si Absalom na ang kinikilalang hari ng Israel. Sinabi niya sa mga kasama, “Mabuti pa'y umalis tayo sa Jerusalem. Kung hindi, nanganganib tayo kay Absalom. Magmadali tayo't baka tayo'y abutan niya! Kapahamakan ang sasapitin natin, sapagkat wala siyang igagalang isa man sa lunsod!” Sumang-ayon naman ang mga lingkod ng hari. “Handa po kaming sumunod sa inyo,” sabi nila. Kaya't umalis agad si David, kasama ang lahat sa palasyo maliban sa sampung asawang-lingkod. Iniwan niya ang mga ito upang mangalaga sa palasyo. Pagsapit nila sa kahuli-hulihang bahay sa lunsod, sila'y huminto. Tumayo sa tabi ng hari ang kanyang mga alipin habang minamasdan niya ang dumaraang mga pangkat. Ang mga ito'y binubuo ng personal na mga bantay ng hari at animnaraang taga-Gat na sumusunod sa kanya. Nang makita ng hari si Itai, tinawag ito at sinabi, “Kasama ka rin pala! Mabuti pa'y bumalik ka na sa Jerusalem at hintayin mo roon ang bagong hari. Ikaw ay dayuhan lamang na ipinatapon dito ng inyong bansa. Hindi ka pa nagtatagal dito, at hindi ka dapat sumama sa aming paglalagalag. Hindi ko alam kung saan ito hahantong. Isama mo ang iyong mga kababayan at bumalik na kayo. Nawa'y si Yahweh ang maging matatag at tapat mong kaibigan.” Ngunit sinabi ni Itai, “Kamahalan, hangga't si Yahweh at ang hari ay nabubuhay, sasama kami sa inyo saan man kayo pumaroon kahit ito'y aming ikamatay.” Sinabi ni David, “Mabuti! Kung gayon, magpatuloy ka.” Nagpatuloy nga siya, kasama ang mga tauhan at ang kanilang mga pamilya. Umiyak ang mga taong-bayan habang umaalis ang hari at ang kanyang mga tauhan. Tumawid sila ng Batis ng Kidron at nagtuloy sa ilang. Kasama rin nila ang paring si Zadok at lahat ng Levitang nagdadala ng Kaban ng Tipan. Ibinabâ muna nila ito hanggang makalabas ng lunsod ang mga tao. Kasama rin nila ang paring si Abiatar. Tinawag ng hari si Zadok at sinabi, “Ibalik mo na sa lunsod ang Kaban ng Tipan. Kung nasisiyahan sa akin ang Diyos, ibabalik niya ako at makikita kong muli ang Kaban sa pinaglagyan nito. Kung ako nama'y hindi na kinalulugdan, mangyari nawa sa akin ang kanyang kalooban.” Sinabi ng hari kay Zadok, “Hindi ba't ikaw ay isang propeta? Bumalik kayo ni Abiatar at isama ninyo ang anak niyang si Jonatan at ang anak mong si Ahimaaz. Mag-iingat kayo! Dito muna ako sa ilang, sa tabi ng batis at maghihintay ako ng iyong balita.” Ang Kaban ng Tipan ay ibinalik nga nina Zadok at Abiatar sa Jerusalem, at doon na muna sila nanatili. Si David ay umiiyak na umakyat sa Bundok ng mga Olibo. Wala siyang sandalyas at nakatalukbong, tanda ng kalungkutan. Lahat ng kasama niya'y nakatalukbong at umiiyak ding umakyat. May nagbalita sa hari na si Ahitofel ay kabilang sa mga kasabwat ni Absalom, kaya't nanalangin siya, “Yahweh, sana'y gawin ninyong kahangalan ang mga payo ni Ahitofel.” Nang sumapit siya sa taluktok ng bundok kung saan sinasamba si Yahweh, sinalubong siya ni Cusai na Arkita. Sira-sira ang damit nito at puno ng alikabok ang ulo. Sinabi ni David, “Kung sasama ka, isa ka pang magiging pasanin ko. Ngunit malaki ang maitutulong mo sa akin kung babalik ka sa lunsod, at pagdating ni Absalom sabihin mo sa kanyang maglilingkod ka sa kanya tulad ng ginawa mo sa akin. Ngunit lagi mong sasalungatin ang payo sa kanya ni Ahitofel. Dalawang pari ang kasama mo roon, sina Zadok at Abiatar. Lahat ng iyong marinig sa palasyo'y sabihin mo agad sa kanila. Si Ahimaaz na anak ni Zadok at si Jonatan na anak naman ni Abiatar ay kasama nila roon. Ang dalawang ito ang gawin mong tagapaghatid sa akin ng anumang balita.” At si Cusai na kaibigan ni David ay bumalik nga sa lunsod habang papasok naman noon si Absalom sa Jerusalem. Si David ay pababa na noon sa bundok nang sa di kalayua'y nakasalubong niya si Ziba, ang alipin ni Mefiboset. Ito'y may akay na dalawang asno na may kargang dalawandaang pirasong tinapay, sandaang kumpol ng pasas, sandaang buwig ng sariwang prutas, at isang sisidlang balat na puno ng alak. “Anong gagawin mo sa mga 'yan, Ziba?” tanong ng hari. Sumagot si Ziba, “Ang dalawang asno ay para sakyan ng inyong pamilya, ang tinapay at ubas ay pagkain ng inyong mga alipin, at ang alak po nama'y para sa sinumang manghihina sa ilang.” “Saan naroon ang anak ng iyong panginoong si Saul?” tanong ng hari. “Nasa Jerusalem po,” tugon ni Ziba, “sapagkat ang paniwala po niya'y ibibigay na sa kanya ang kaharian ng kanyang ama.” Sinabi ng hari, “Ziba, ang lahat ng ari-arian ni Mefiboset ay magiging iyo.” Sumagot si Ziba, “Pag-utusan po ninyo ang inyong lingkod; maging karapat-dapat sana ako sa inyong pagtitiwala.” Nang papalapit na sa Bahurim si Haring David, isang kamag-anak ni Saul ang lumabas sa lansangan na nagmumura. Ito'y si Simei na anak ni Gera. Pinagbabato niya si David at ang mga tauhan nito, kahit napapaligiran ang hari ng kanyang mga bantay at kawal. Ganito ang kanyang isinisigaw: “Lumayas ka! Lumayas ka! Mamamatay-tao! Kriminal! Naghiganti na sa iyo si Yahweh dahil sa pagpatay sa sambahayan ni Saul at pag-agaw sa kanyang trono. Ibinigay na kay Absalom ang kanyang kaharian. Tapos na ang mga maliligayang araw mo; isa kang mamamatay tao!” Sinabi ni Abisai, “Mahal na hari, bakit pumapayag kayong lapastanganin ng hampas-lupang ito? Ipahintulot po ninyong tagpasin ko ang kanyang ulo.” Ngunit sinabi ng hari kay Abisai at sa kapatid nitong si Joab, “Huwag kayong makialam. Kung iniutos ni Yahweh kay Simei na sumpain ako, sinong may karapatang sumaway sa kanya?” Sinabi ni David kay Abisai at sa lahat niyang lingkod, “Kung ang anak ko mismo ay nagtatangka sa aking buhay, hindi nga kataka-taka ang ginagawa ng Benjaminitang ito. Hayaan ninyo siyang magmura at sumpain ako. Inutusan siya ni Yahweh na gawin ito. Baka naman kahabagan ako ni Yahweh sa kalagayang ito, at pagpalain ako sa halip na sumpain.” Patuloy sa paglakad sina David at ang kanyang mga tauhan, samantalang sa gilid ng burol, sa tapat nila'y sumasabay si Simei. Hindi ito tumitigil ng panlalait, pambabato, at pagsasaboy ng alikabok sa dakong kinaroroonan nila sa kapatagan. Pagkatapos, dumating ang hari at ang kanyang mga kasamahan na pagod na pagod sa may Ilog Jordan. At nagpahinga muna sila roon. Hindi nagtagal, pumasok nga sa Jerusalem si Absalom kasama ang lahat ng Israelita pati si Ahitofel. Nang magkita si Absalom at ang kaibigan ni David na si Cusai, sumigaw ito, “Mabuhay ang hari! Mabuhay ang hari!” “Ito ba ang pagpapakita mo ng katapatan sa kaibigan mong si David?” tanong ni Absalom. “Bakit hindi ka sumama sa iyong kaibigan?” Sumagot si Cusai, “Hindi po ako sumama sa kanya, sapagkat ang nais kong paglingkuran ay ang haring pinili ni Yahweh, ng mga tao, at ng bansang Israel. Hindi ba marapat na paglingkuran ko ang anak ng aking panginoon? Paglilingkuran ko po kayo tulad nang paglilingkod ko sa inyong ama.” Tinawag ni Absalom si Ahitofel at humingi ng payo rito, “Ano ba ang mabuting gawin natin?” “Ganito ang gawin mo,” wika ni Ahitofel, “Sipingan mo ang mga asawang-lingkod ng iyong ama na iniwan niya sa palasyo. Sa ganoon, mababalita sa Israel na talagang kinakalaban mo ang iyong ama, at lalong lalakas ang loob ng mga kumakampi sa iyo.” Kaya't kanilang ipinagtayo si Absalom ng tolda sa itaas ng palasyo upang makita ng buong Israel ang pagsiping niya sa mga asawang-lingkod ng kanyang ama. Noong panahong iyon, ang mga payo ni Ahitofel ay itinuturing na salita ng Diyos. Maging sina David at Absalom ay sumusunod sa kanyang mga payo. Sinabi ni Ahitofel kay Absalom, “Papiliin mo ako ng labindalawang libong tauhan at ngayon ding gabi'y hahabulin namin si David. Sasalakayin ko siya habang pagod pa siya at nanghihina. Malilito siya at tiyak na magtatakbuhan ang kanyang mga tauhan. Ang hari lamang ang aking papatayin. Ibabalik ko sa iyo ang lahat ng kanyang mga tauhan, gaya ng isang babaing ikakasal sa naghihintay niyang mapapangasawa. Iisang tao lamang ang nais mong mamatay, kaya't ang iba ay hindi masasaktan.” Nagustuhan ni Absalom at ng pinuno ng Israel ang payo ni Ahitofel. Ngunit sinabi ni Absalom, “Tanungin din natin si Cusai na Arkita kung ano ang kanyang maipapayo tungkol sa bagay na ito.” Pagdating ni Cusai, sinabi ni Absalom ang payo ni Ahitofel. Tinanong niya si Cusai, “Susundin ba natin si Ahitofel? At kung hindi, ano ang masasabi mo?” Sinabi naman ni Cusai kay Absalom, “Sa ngayon, ang balak ni Ahitofel ay hindi mabuting sundin. Hindi mo ba alam na ang mga tauhan ng iyong ama'y mga sanay na mandirigma? Mababangis silang tulad ng inahing osong inagawan ng anak. Sa talino ng iyong ama'y hindi iyon matutulog na kasama ng kanyang mga tauhan. Malamang siya ngayo'y nagtatago sa isang hukay o sa ibang lugar. At kung sa unang pagsalakay ay malagasan ka ng mga tauhan, tiyak na ang sinumang makabalita ay ganito ang sasabihin: ‘Natalo ang mga tauhan ni Absalom.’ Matapang ma't may pusong-leon ay matatakot din, sapagkat alam ng buong Israel na magiting na mandirigma ang iyong ama, at hindi aatras sa labanan ang mga tauhan niya. Ganito ang payo ko: ‘Hintayin mo munang ang mga Israelita mula sa Dan hanggang Beer-seba ay matipong lahat na sindami ng buhangin sa tabing-dagat. Pagkatapos, ikaw mismo ang manguna sa pakikipaglaban. Hahabulin natin ang kaaway saanman siya magsuot. Sasalakayin natin siya na parang hamog na pumapatak sa lupa, at wala isa man sa kanilang sambahayan at mga tauhan ang matitirang buháy. Kung siya'y umatras sa isang lunsod, ating iguguho ang lunsod na iyon at itatambak sa bangin upang wala ni kapirasong bato na matira roon.” Pagkarinig niyon, sinabi ni Absalom at ng buong Israel, “Mas maganda ang payo ni Cusai na Arkita kaysa payo ni Ahitofel.” Nagpasya si Yahweh na huwag masunod ang mabuting payo ni Ahitofel upang mapahamak si Absalom. Pagkatapos, sinabi ni Cusai sa dalawang paring sina Zadok at Abiatar ang payo ni Ahitofel kay Absalom at sa matatandang pinuno. Matapos ipagtapat ang lahat, sinabi niya, “Babalaan ninyo agad si David na huwag matutulog ngayong gabi sa may batis sa ilang. Patawirin siya sa ibayo ng Jordan bago mahuli ang lahat, baka mapahamak siya at ang mga kasama niya!” Para walang makakita sa kanila, sina Jonatan at Ahimaaz ay hindi na pumasok ng lunsod; doon na lamang sila naghintay sa En-rogel. Ang anumang balita para kay David ay dinadala sa kanila ng isang aliping babae. Ngunit may binatilyo palang nakakita sa kanila at ito ang nagsumbong kay Absalom. Nang malaman nila ito, umalis agad ang dalawa at nagtago sa Bahurim. Lumusong sila sa balon sa loob ng bakuran ng isang tagaroon. Tinakpan agad ng asawa nito ang balon at kinalatan ng trigo ang ibabaw niyon upang hindi paghinalaang may nagtatago roon. Dumating ang mga alipin ni Absalom at nagtanong sa babae, “Saan naroon sina Ahimaaz at Jonatan?” “Tumawid na sila sa ilog,” tugon ng babae. Ginalugad nila ang lugar na iyon, ngunit walang nakita, kaya't nagbalik na sila sa Jerusalem. Pagkaalis ng mga tauhan, umahon sa balon ang dalawa. Nagpunta agad sila kay David at ipinagtapat ang masamang binabalak ni Ahitofel. Pagkatapos, sinabi nila, “Tumawid kayo agad ng ilog.” Tumawid nga si David at ang buo niyang pangkat, at nang magmamadaling-araw, wala isa mang naiwan sa kabila ng Jordan. Nang malaman ni Ahitofel na hindi sinunod ang kanyang payo, umuwi agad siyang sakay ng asno. Matapos mag-iwan ng huling habilin sa mga kasambahay, siya'y nagbigti. Inilibing siya sa puntod ng kanyang ama. Nasa Mahanaim na si David nang tumawid sa Jordan sina Absalom at mga kasamang Israelita. Sa halip na si Joab, si Amasa ang ginawa ni Absalom na pinuno ng buong hukbo. Si Amasa ay anak kay Abigail ni Itra, isang lalaking Ismaelita. Si Abigail naman ay anak ni Nahas, kapatid ni Zeruias na ina ni Joab. Ang mga Israelita at si Absalom ay nagkampo sa Gilead. Pagdating sa Mahanaim, si David ay sinalubong ni Sobi, anak ni Nahas na Ammonitang taga-Rabba. Kasama ni Sobi si Maquir, anak ni Amiel na taga-Lo-debar at si Barzilai, isang Gileaditang taga-Rogelim. May dala silang mga banig, kumot, mangkok at banga. May dala rin silang trigo, sebada, harina, mga butil na sinangag, gulayin, pulot-pukyutan, keso at mga tupa. Ipinagkaloob nila ito kina David at mga kasama nito upang may makain sila, sapagkat alam nilang ang mga ito'y pagod na pagod at nagdanas ng matinding gutom at uhaw sa ilang. Tinipon ni David ang lahat ng mga tauhan niya at pinagpangkat-pangkat ang mga ito. Naglagay siya ng mga pinuno sa mga pangkat na tig-iisanlibo at tig-iisandaan. Pinagtatlo niya ang buong hukbo; ang unang pangkat ay pinamunuan ni Joab, ang pangalawa ay pinamunuan ni Abisai at ang ikatlo'y ibinigay naman kay Itai na Geteo. Sinabi ng hari sa kanila, “Sasama ako sa inyo sa labanan.” Ngunit tumutol ang mga tauhan at sinabi nila, “Hindi po kayo dapat sumama sa amin. Kung kami po'y matalo at mapaatras, iyon po'y walang halaga sa mga kaaway—kahit pa mapatay ang kalahati sa bilang namin. Ngunit ang katumbas ninyo'y sampung libong kawal. Kaya't mas mabuti pong doon na kayo sa lunsod, at padalhan na lamang ninyo kami ng tulong.” “Gagawin ko kung ano ang inaakala ninyong pinakamabuti,” sagot ng hari. Tumayo na lang siya sa may pintuan ng lunsod habang papalabas ang kanyang mga kawal na nasa pangkat na libu-libo at daan-daan. Pinagbilinan niya sina Joab, Abisai at Itai, “Alang-alang sa aki'y huwag ninyong sasaktan ang anak kong si Absalom.” Narinig ng buong hukbo ang bilin ng hari sa lahat ng pinuno tungkol kay Absalom. Hinarap ng hukbo ni David ang mga Israelita at naglaban sila sa kagubatan ng Efraim. Natalo ng mga tauhan ni David ang mga Israelita, at dalawampung libong kawal ang napatay nang araw na iyon. Umabot ang labanan hanggang sa mga kabukiran. Nang araw na iyon, mas marami pa ang namatay sa kagubatan kaysa namatay sa tabak. Nakasalubong naman ni Absalom ang ilang kawal ni David. Nakasakay noon sa mola si Absalom, at pagdaan niya sa ilalim ng isang malaking puno ng ensina, napasabit ang ulo niya sa mga sanga. Nagpatuloy sa pagtakbo ang mola at naiwan si Absalom na nakabitin sa puno. Isa sa mga nakakita nito ang nagsabi kay Joab, “Nakita ko si Absalom na nakabitin sa isang puno ng ensina.” Pagkarinig nito'y sinabi ni Joab sa lalaki, “Nakita mo na palang nakabitin, bakit hindi mo pa siya pinatay doon? Nakatanggap ka sana sa akin ng sampung pirasong pilak at isang sinturon.” Sumagot ang lalaki, “Kahit na po gawin ninyong sanlibong pirasong pilak, hindi ko maaaring pagbuhatan ng kamay ang anak ng hari. Narinig po naming lahat ang utos ng hari sa inyo at kina Abisai at Itai na huwag sasaktan ang anak niyang si Absalom alang-alang sa kanya. Kung siya'y pinagbuhatan ko ng kamay at namatay, malalaman din po iyon ng hari at hindi naman kayo ang mananagot sa nangyari.” “Hindi na kita pag-aaksayahan ng panahon,” sabi ni Joab. Kumuha siya ng tatlong sibat at isa-isang itinusok sa dibdib ni Absalom na noo'y buháy pang nakabitin sa puno. Pagkatapos nito'y pumaligid ang sampung tauhan ni Joab kay Absalom at pinatay ito. Hinipan ni Joab ang trumpeta at ang kanyang buong hukbo ay huminto na sa pagtugis sa mga Israelita. Kinuha nila ang bangkay ni Absalom, inihulog sa isang malaking hukay sa kagubatan at tinabunan ng mga bato. Nagsitakas naman at umuwi na ang lahat ng mga Israelita. Noong nabubuhay pa si Absalom, nagpatayo siya ng isang bantayog sa Libis ng Hari. Ginawa niya ito bilang alaala, sapagkat wala siyang anak na lalaking magpapatuloy ng kanyang pangalan. Isinunod niya sa kanyang pangalan ang bantayog na iyon, at hanggang ngayo'y tinatawag iyong Bantayog ni Absalom. Sinabi ni Ahimaaz na anak ni Zadok, “Hayaan ninyo akong tumakbo upang maibalita ko agad sa hari na siya'y nailigtas na ni Yahweh sa kanyang mga kaaway.” Ngunit sinabi ni Joab, “Huwag mong gagawin iyan sa araw na ito. Ipagpaliban mo na sa ibang araw sapagkat namatay ang anak ng hari.” At inutusan niya ang isang aliping Cusita para ibalita kay David ang nangyari. Nagbigay-galang muna ito kay Joab, bago patakbong umalis. Nagsumamo kay Joab si Ahimaaz: “Anuman po ang mangyari'y pahintulutan ninyong sundan ko ang Cusita.” “Bakit, anak ko?” tanong ni Joab. “Wala kang mapapala sa pagbabalita mo.” “Kahit po anong mangyari, basta't pahintulutan ninyo ako,” wika niya. “Sige, tumakbo ka,” wika ni Joab. Tumakbo nga si Ahimaaz at dumaan sa Libis ng Jordan at naunahan pa niya ang aliping Cusita. Nakaupo noon si David sa pagitan ng pintuang panlabas at pintuang panloob ng lunsod. Umakyat naman sa tore ng pader ang isang bantay. Pagtanaw niya'y may nakita siyang isang lalaking tumatakbong palapit. Sumigaw siya sa hari at sinabi ang kanyang nakita. Sabi ng hari, “Kung nag-iisa siya, tiyak na magandang balita ang dala niya.” Samantala, ang bantay sa tore ay may nakita pang isang lalaking tumatakbong papalapit din. Kaya't tinawag niya ang bantay-pinto at sinabi, “Tingnan mo, may isa pang tumatakbo sa hulihan!” Sinabi ng hari, “Magandang balita rin ang dala niyan.” “Sa tingin ko'y si Ahimaaz na anak ni Zadok ang nauunang dumarating,” sabi ng bantay. “Mabuting tao 'yan, at magandang balita ang dala niya,” sabi ng hari. Nauna ngang dumating si Ahimaaz. Yumukod siya sa harapan ng hari at sinabi, “Purihin si Yahweh na inyong Diyos, na siyang dumaig sa mga taong naghimagsik laban sa mahal na hari!” “Kumusta ang anak kong si Absalom? Ligtas ba siya?” tanong ng hari. “Kamahalan, isinugo po ako ng inyong lingkod na si Joab,” sagot ni Ahimaaz, “at noon pong paalis na ako, nagkakagulo sila at hindi ko po alam ang dahilan.” Sinabi sa kanya ng hari, “Tumayo ka muna diyan sa isang tabi,” at ganoon nga ang ginawa ni Ahimaaz. Dumating naman ang Cusita at ganito ang sabi: “Magandang balita, Kamahalan! Ngayong araw na ito'y iniligtas kayo ni Yahweh sa lahat ng naghimagsik laban sa inyo.” “Kumusta ang anak kong si Absalom? Ligtas ba siya?” tanong ng hari. “Mangyari nawa sa lahat ng inyong mga kaaway at sa lahat ng naghihimagsik laban sa inyo ang nangyari kay Absalom!” Nang marinig ito'y naghinagpis ang hari. Umakyat siya sa isang silid sa itaas ng pintuan ng lunsod at buong pait na tumangis. Habang lumalakad siya'y sinasabi niya, “Anak kong Absalom! Anak ko, anak ko, Absalom! Ako na lang sana ang namatay at hindi ikaw, Absalom, anak ko, anak ko!” May nagbalita kay Joab na umiiyak at nagluluksa ang hari sa pagkamatay ni Absalom. Kaya't napalitan ng pagluluksa ang dapat sana'y pagdiriwang dahil sa pagtatagumpay ng hukbo. Nabalitaan ng mga kawal na labis na dinamdam ng hari ang nangyari sa kanyang anak. Dahil dito'y tahimik silang pumasok sa lunsod, na parang mga kawal na nahihiyang magpakita sa madla dahil sa pagkatalo sa labanan. Tinakpan ng hari ang kanyang mukha at umiyak nang malakas, “Absalom, anak ko! Absalom, anak ko!” Pumasok si Joab sa silid at sinabi sa hari, “Sa araw na ito, inilagay ninyo sa kahihiyan ang inyong mga lingkod na nagligtas sa inyo, sa inyong mga anak, mga asawa at asawang-lingkod. Minamahal ninyo ang namumuhi sa inyo at kinamumuhian ang nagmamahal sa inyo. Maliwanag ngayon na walang halaga sa inyo ang inyong mga opisyal at mga tauhan. Matamis pa yata sa inyo ang kami ay masawing lahat, basta't buháy lamang si Absalom. Kaya, lumakad kayo ngayon din at harapin ninyo ang inyong mga tauhan at kilalanin ninyo ang kanilang katapatan. Kung hindi, isinusumpa ko sa pangalan ni Yahweh, sa gabi ring ito'y wala isa mang kawal na mananatili sa inyo. Kapag nangyari ito, ito na ang pinakamalaking kapahamakan sa buong buhay ninyo.” Dahil dito, tumayo ang hari at naupo sa may pintuan ng lunsod. Nang malaman ito ng kanyang mga kawal, sila'y nagsilapit sa kanya. Samantala nagsitakas ang mga Israelita at nag-uwian sa kani-kanilang bayan. At ganito ang naging usapan sa buong lupain: “Iniligtas tayo ni Haring David sa lahat nating kaaway, at pinalaya sa mga Filisteo. Ngunit dahil kay Absalom, napilitan siyang umalis. Kinilala nating hari si Absalom, ngunit siya'y napatay sa labanan. Bakit hindi pa natin pababalikin ang dati nating hari?” Ang usapang ito'y kumalat sa buong Israel, at umabot sa pandinig ni David. Kaya't isinugo niya ang mga paring sina Zadok at Abiatar upang sabihin sa pinuno ng Juda, “Bakit wala pa kayong ginagawang hakbang upang magbalik ang hari sa palasyo? Kayo'y mga tunay na laman at dugo ko. Bakit nahuhuli pa kayo sa paghahangad na ako'y mapabalik doon?” At ipinasabi naman niya kay Amasa, “Ikaw ay tunay kong laman at dugo. Ikaw ngayon ang hinihirang kong pinuno ng hukbo, kapalit ni Joab. Patayin nawa ako ng Diyos kung hindi ito ang gagawin ko!” Buong galak na tinanggap ng mga taga-Juda ang balitang ito, kaya't ipinasundo nila si Haring David at ang lahat ng mga kasama niya. Pumunta na nga sina Haring David at ang mga kasama niya sa Ilog Jordan. Nagtipon naman ang mga taga-Juda sa Gilgal upang salubungin siya at samahan sa pagtawid sa Ilog. Isa sa sumalubong kay David ay si Simei, anak ni Gera na taga-Bahurim. Ang taong ito ay Benjaminita, at nagmamadali ring sumama sa mga taga-Juda. Kasama niya ang may sanlibong katao buhat din sa Benjamin. Nagmamadali ring bumabâ sa Jordan si Ziba, ang alipin ng sambahayan ni Saul, kasama ang kanyang labinlimang anak na lalaki at dalawampung alipin. Tumawid sila sa ilog upang tulungang makatawid ang sambahayan ng hari at upang gawin ang anumang ipag-utos niya. Nang tatawid na lamang sila sa Jordan, nagpatirapa sa harapan ng hari si Simei. Sinabi niya sa hari, “Kalimutan na po sana ninyo ang kasamaang ginawa ko nang kayo'y papaalis noon sa Jerusalem. Patawarin na po ninyo ako sa lahat ng ito. Inaamin ko pong nagkasala ako sa inyo. Kaya po naman ako ang nauna sa mga liping taga-hilaga upang sumalubong sa inyo, Mahal na Hari.” Tumutol si Abisai at ang sabi, “Hindi ba dapat patayin ang taong ito sapagkat nilait niya ang haring pinili ni Yahweh?” Nagsalita ang hari, “Sino bang humihingi ng payo ninyo, mga anak ni Zeruias? Bakit ninyo ako pinangungunahan? Ako ngayon ang hari ng buong Israel, at isinusumpa ko: Walang sinumang papatayin sa Israel ngayon!” Pagkatapos, sinabi ng hari kay Simei, “Nangangako akong hindi ka papatayin.” Si Mefiboset na apo ni Saul ay sumalubong din sa hari. Mula nang umalis si David hanggang sa matagumpay niyang pagbabalik, hindi naghugas ng paa si Mefiboset ni nagputol ng balbas o naglaba ng kanyang damit. Nang dumating siya mula sa Jerusalem, sinabi ng hari, “Bakit hindi ka sumama sa akin, Mefiboset?” “Mahal na hari,” wika niya, “alam po ninyong ako'y pilay. Kaya ipinahanda ko po sa aking katulong ang sasakyan kong asno upang sumama sa inyo. Ngunit hindi niya ako sinunod. Sa halip ay nagpunta siya sa inyo at siniraan ako. Alam kong kayo'y tulad ng anghel ng Diyos, kaya gawin po ninyo sa akin ang sa palagay ninyo'y nararapat. Ang buong sambahayan ng aking ama, ako at ang lahat sa amin ay maaari ninyong ipapatay, ngunit sa halip, binigyan pa ninyo ang inyong alipin ng lugar sa inyong hapag. Wala na po akong mairereklamo sa inyo, Mahal na Hari.” Sumagot ang hari, “Wala ka nang dapat sabihin pa, Mefiboset! Nakapagpasya na ako na maghahati kayo ni Ziba sa ari-arian ni Saul.” Ngunit sinabi ni Mefiboset, “Hayaan na po ninyo sa kanyang lahat. Sapat na sa aking kayo'y mapayapang nakauwi.” May isang taga-Gilead na bumabâ mula sa Rogelim at naghatid din sa hari hanggang Jordan; ito'y si Barzilai. Siya'y walumpung taon na at napakalaki ng naitulong sa hari noong ito'y nasa Mahanaim pa. Siya'y isa sa kinikilalang mayaman doon, at siya ang nagbibigay ng pagkain sa hari. Bago tumawid ang hari ay sinabi nito, “Mabuti pa'y sumama ka sa amin sa Jerusalem. Doon ka na tumira sa palasyo at ako ang bahala sa iyo.” Sumagot si Barzilai, “Ilang taon na lang ang itatagal ko, bakit pa po ako sasama sa inyo sa Jerusalem? Walumpung taon na ako at wala nang kasiyahan sa mga kalayawan. Hindi ko na malasahan ang sarap ng pagkain at inumin. Wala nang pang-akit sa akin pati magagandang awitin. Magiging pabigat lamang ako sa inyo, Mahal na Hari. Ihahatid ko na lang kayo hanggang sa makatawid ng Jordan. Hindi na ninyo ako kailangang gantimpalaan nang ganito. Hayaan na ninyo akong magbalik sa aking bayang sinilangan, at doon ko na hihintayin ang aking mga huling araw sa tabi ng puntod ng aking ama at ina. Narito ang lingkod ninyong si Camaam; siya ang isama ninyo, ang katulong kong ito, at kayo na ang bahala sa kanya.” Sumagot ang hari, “Sige, isasama ko siya. Gagawin ko rin ang lahat ng gusto mo para sa ikabubuti niya. Tungkol naman sa iyo, gagawin ko rin ang lahat ng gusto mo.” Tumawid sa Jordan ang lahat. Bago tumawid ang hari, hinagkan muna niya at binasbasan si Barzilai. Pagkatapos, umuwi na si Barzilai sa kanyang tahanan. Nagtuloy sa Gilgal ang hari, kasama si Camaam. Kasama rin nila ang lahat ng taga-Juda at kalahati ng mga taga-Israel. Pagdating doon, sama-samang lumapit kay David ang mga Israelita. Sabi nila, “Bakit po kami inunahan ng mga kapatid naming taga-Juda sa pagsundo sa inyo, at sa inyong mga tauhan at sambahayan mula sa kabila ng Jordan?” Sumagot ang mga taga-Juda, “Ginawa namin iyon sapagkat ang hari ay malapit naming kamag-anak. Anong ikinasasama ng loob ninyo? Hindi naman kami palamunin ng hari! Hindi rin niya kami binayaran!” Sumagot ang mga taga-Israel, “Sampung beses ang karapatan namin kay Haring David, kahit pa kamag-anak ninyo siya. Bakit naman minamaliit ninyo kami? Nakakalimutan yata ninyo na kami ang unang nakaisip na ibalik ang hari.” Ngunit mas magagaspang ang pananalita ng mga taga-Juda kaysa mga taga-Israel. Si Seba na taga-Gilgal ay isang walang-hiyang tao. Siya ay anak ni Bicri, mula sa lipi ni Benjamin. Hinipan niya ang trumpeta upang mapansin ng tao. Isinisigaw niya, “Umuwi na tayo, O Israel! Ano bang mapapala natin kay David? Ano bang nagawa para sa atin ng anak ni Jesse?” Humiwalay nga kay David ang mga taga-Israel at sumama kay Seba. Ngunit nanatiling tapat ang mga taga-Juda kay David at buhat sa Jordan ay inihatid nila ang hari hanggang Jerusalem. Pagdating doon, ipinakuha ni David ang sampung asawang-lingkod na iniwan niya upang mamahala sa palasyo. Pinapunta niya ang mga ito sa isang bahay, pinatira doon at pinabantayan. Pinadadalhan niya ang mga ito ng kanilang mga pangangailangan ngunit hindi na niya sila muling sinipingan. Kaya't namuhay silang parang mga biyuda hanggang sa sila'y mamatay. Tinawag ng hari si Amasa at sinabi, “Tipunin mo ang mga kalalakihan ng Juda at dalhin mo sila rito sa loob ng tatlong araw.” Sinikap ni Amasang sundin ang utos ng hari ngunit hindi niya naiharap dito ang mga kalalakihan ng Juda sa loob ng takdang panahon. Dahil dito, tinawag ni David si Abisai. Sinabi niya, “Mas malaking gulo ang idudulot ni Seba kaysa kay Absalom. Kaya't isama mo ang aking mga tauhan at habulin ninyo siya. Baka may masakop siyang lunsod na may kuta at hindi na natin siya mahuli.” Sumama nga kay Abisai si Joab at ang mga tauhan niya, gayundin ang mga Peleteo at Kereteo, upang tugisin si Seba na anak ni Bicri. Pagsapit nila sa may malaking bato sa Gibeon, sinalubong sila ni Amasa. Suot noon ni Joab ang kanyang kasuotang pandigma, at may dala siyang espada na nakakabit sa kanyang sinturon. Habang papalapit siya, nalaglag ang kanyang espada. Sinabi niya, “Kumusta ka, kapatid ko!” sabay hawak ng kanang kamay sa balbas ni Amasa upang ito'y hagkan. Hindi napapansin ni Amasa ang espadang hawak ni Joab sa kabilang kamay. Kaya't sinaksak siya nito sa tiyan. Lumuwa sa lupa ang bituka niya, at namatay agad sa saksak na iyon. Nagpatuloy ang magkapatid na Joab at Abisai sa kanilang pagtugis kay Seba. Isang tauhan ni Joab ang tumayo sa may bangkay ni Amasa at sumigaw, “Ang lahat ng kakampi ni Joab at ni David ay sumunod kay Joab!” Nakabulagta sa gitna ng lansangan ang bangkay ni Amasa, naliligo sa sariling dugo. Kaya, lahat ng makakita rito ay napapahinto. Nang mapuna ito ng isang tauhan ni Joab, hinila niya ang bangkay at inilayo sa daan, saka tinakpan ng damit. Nang maalis ang bangkay sa gitna ng daan lahat ay sumunod kay Joab upang tugisin si Seba. Pinuntahan ni Seba ang lahat ng lipi ng Israel hanggang sa sumapit siya sa Abel-bet-maaca. Lahat ng angkan ni Bicri ay nagkaisang sumunod sa kanya na pumasok sa lunsod. Nalaman iyon ng mga tauhan ni Joab, kaya't kinubkob nila ang lunsod. Nagbunton sila ng lupa sa tabi ng pader para makasampa roon habang pinababagsak ng iba ang pader ng lunsod. Ngunit isang matalinong babae ang nangahas tumayo sa isang mataas na lugar sa pader at mula roon ay nanawagan, “Makinig kayo! Makinig kayo! Sabihin ninyo kay Joab na pumarito. Gusto ko sana siyang makausap.” Paglapit ni Joab, tinanong siya ng babae, “Kayo po ba si Joab?” “Ako nga,” sagot nito. “Pakinggan po ninyo ang aking sasabihin,” sabi ng babae. “Sige, nakikinig ako,” wika naman ni Joab. “Noong araw,” sabi ng babae, “mayroon pong ganitong kasabihan: ‘Magtanong ka sa lunsod ng Abel’, at ganoon nga ang ginagawa ng mga tao noon upang malutas ang kanilang suliranin. Sa buong Israel ang lunsod pong ito ay maituturing na pinakatahimik at tapat. Siya'y tulad ng isang mapag-arugang ina sa Israel. Bakit gusto ninyo itong gibain? Bakit ninyo wawasakin ang lunsod na ipinamana ni Yahweh?” “Hindi ko gagawin iyan!” wika ni Joab. “Hindi namin gustong wasakin ang inyong lunsod. Wala iyon sa plano namin. Hinahanap lang namin si Seba na naghihimagsik laban kay Haring David. Siya ay anak ni Bicri, at taga-bulubundukin ng Efraim. Isuko ninyo siya, at iiwan namin ang lunsod.” Sinabi ng babae, “Kung ganoon, ihahagis namin sa iyo ang kanyang ulo mula sa pader.” Pumasok siya sa kabayanan, at palibhasa'y matalino, sumang-ayon sa kanya ang mga taong-bayan sa kanyang binabalak. Pinugutan nila ng ulo si Seba at inihagis ito kay Joab. Hinipan naman ni Joab ang trumpeta kaya't ang lunsod ay iniwan na ng kanyang mga kawal at sila'y nagsiuwian na. Si Joab nama'y bumalik sa Jerusalem at nagpunta sa hari. Ito ang mga opisyal ng hukbo ni Haring David: Si Joab ang pinuno sa buong hukbo ng Israel. Si Benaias, anak ni Joiada, ang pinuno ng mga bantay na Kereteo at Peleteo. Si Adoram naman ang tagapamahala sa lahat ng sapilitang paggawa. Si Jehoshafat, anak ni Ahilud, ang tagapag-ingat ng mga kasulatan, at si Seva naman ang kalihim ng hari. Sina Zadok at Abiatar ang nagsilbing mga pari, at si Ira na taga-Jair ay isa rin sa mga pari ni David. Sa panahon ng paghahari ni David, tatlong sunod-sunod na taon na nagkaroon ng taggutom, kaya't sumangguni siya kay Yahweh. Ito ang kanyang tugon, “Maraming buhay ang inutang ni Saul at ng kanyang sambahayan, sapagkat ipinapatay niya ang mga Gibeonita.” Ang mga Gibeonita ay hindi buhat sa lahi ng Israel. Sila ang mga natira sa lahi ng mga Amoreo na pinangakuang hindi lilipulin ng mga Israelita. Ngunit sila'y sinikap lipulin ni Saul dahil sa pagmamalasakit niya para sa mga taga-Israel at Juda. Ipinatawag ni David ang mga Gibeonita at tinanong, “Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo upang mapagbayaran ang kasalanan sa inyo ng aming bayan, at nang sa gayon ay mapawi ang inyong galit at basbasan ang sambayanan ni Yahweh?” Sumagot sila, “Ang sama ng loob namin kay Saul at sa kanyang sambahayan ay hindi kayang tumbasan ng ginto at pilak. Ngunit ayaw rin naming pumatay ng sinuman sa Israel.” “Kung gayon, ano ang dapat kong gawin para sa inyo?” tanong ni David. Sumagot sila, “Hinangad po ng Saul na iyon na ubusin ang lahi namin sa Israel. Kaya, ibigay ninyo sa amin ang pito sa mga lalaking mula sa kanyang angkan at bibitayin namin sila sa Gibeon sa harapan ni Yahweh.” “Sige, ibibigay ko sila sa inyo,” sagot ni David. Ngunit dahil sa sumpaang ginawa nina David at Jonatan, iniligtas niya si Mefiboset, ang apo ni Saul kay Jonatan. Ang ibinigay ng hari ay sina Armoni at isang Mefiboset din ang pangalan, mga anak ni Saul kay Rizpa na anak ni Aya, at ang limang anak ni Adriel kay Merab. Si Merab ay anak ni Saul at si Adriel nama'y anak ni Barzilai na taga-Meholat. Ibinigay ni David sa mga Gibeonita ang pitong ito, at sila'y sama-samang binigti sa bundok sa harapan ni Yahweh. Nangyari ito nang nagsisimulang anihin ang sebada. Sa buong panahon ng anihan hanggang dumating ang tag-ulan, si Rizpa na anak ni Aya ay hindi na umalis sa kinaroroonan ng mga bangkay. Gumawa siya ng isang silungang sako sa ibabaw ng isang malaking bato at binantayan ang mga bangkay upang hindi makain ng mga ibon at maiilap na hayop. Nang mabalitaan ito ni David, ipinakuha niya ang bangkay ni Saul at ni Jonatan sa mga pinuno ng Jabes-gilead. Ninakaw ng mga ito ang bangkay nina Saul at Jonatan sa Bethsan na ibinitin doon ng mga Filisteo noong araw na sila'y mapatay sa Gilboa. Ipinakuha nga niya ang mga bangkay nina Saul at Jonatan at isinama sa mga bangkay ng pitong binigti sa bundok. Pagkatapos, dinala nila ito sa libingan ng kanyang amang si Kish, sa lupain ni Benjamin sa Zela. Ang lahat ng iniutos ng hari ay natupad, at mula noon, dininig ni Yahweh ang kanilang dalangin para sa bansa. Dumating ang araw na nagdigmaan muli ang mga Filisteo at mga Israelita. Sumama si David sa kanyang mga kawal sa pakikipaglaban. Sa isang labanan ay lubhang napagod si David. Papatayin na sana siya ng higanteng si Esbibenob, na may dalang bagong espada at sibat na may tatlo't kalahating kilo ang bigat. Ngunit tinulungan ni Abisai na anak ni Zeruias si David, at pinatay ang higanteng Filisteo. Mula noon, pinasumpa nila si David na hindi na siya muling sasama sa labanan. “Ikaw ang ilaw ng Israel. Ayaw naming mawala ka sa amin,” sabi ng mga kawal ni David. Hindi nagtagal at muling naglaban ang mga Israelita at ang mga Filisteo. Nangyari naman ito sa Gob at doon napatay ni Sibecai na Husatita ang higanteng si Saf. Sa isa pang sagupaan sa Gob laban sa mga Filisteo, napatay naman ni Elhanan, anak ni Jair na taga-Bethlehem, si Goliat na Geteo. Ang hawakan ng sibat nito'y sinlaki ng kahoy na pahalang sa habihan. Sa isa namang labanan sa Gat, mayroong isang higante na dalawampu't apat ang daliri—tig-aanim bawat paa't kamay. Hinamon nito ang mga Israelita ngunit napatay naman ni Jonatan na pamangkin ni David sa kanyang kapatid na si Simea. Ang apat na ito'y buhat sa lahi ng mga higante sa Gat, at nasawi sa mga kamay ni David at ng kanyang mga tauhan. Inawit ni David ang awit na ito para kay Yahweh nang araw na iniligtas siya ni Yahweh mula sa kamay ng kanyang mga kaaway at sa kamay ni Saul. “Si Yahweh ang aking tagapagligtas, matibay na muog na aking sanggalang. Ang Diyos ang bato na aking kanlungan, aking kalasag at tanging kaligtasan. Siya ang aking pananggalang, sa mga marahas ay siya kong tanggulan. Kay Yahweh ako'y tumatawag, sa mga kaaway ako'y kanyang inililigtas. Purihin si Yahweh! “Pinapalibutan ako ng alon ng kamatayan, tinutugis ako nitong agos ng kapahamakan. Daigdig ng mga patay, ako'y pinupuluputan, patibong ng kamatayan, ang aking dinaraanan. “Sa kagipitan ko, ako ay tumawag, ang Diyos na si Yahweh ay aking hinanap. Mula sa templo niya ay kanyang dininig, ang aking pagsamo at ang aking hibik. “Nayanig ang lupa nang siya'y magalit, at nauga pati sandigan ng langit. Nagbuga ng usok ang kanyang ilong, at mula sa bibig, lumabas ang apoy. Hinawi ang langit, bumabâ sa lupa makapal na ulap ang tuntungang pababa. Sakay ng kerubin mabilis lumipad; sa bilis ng hangin siya ay naglayag. Nagtago sa likod ng dilim, naipong tubig, ulap na maitim. At magmula roon gumuhit ang kidlat, at sa harap niya'y biglang nagliwanag. Nagpakulog si Yahweh mula sa langit, tinig ng Kataas-taasang Diyos ay narinig. Mga palaso niya'y pinakawalan, dahil sa kidlat mga kaaway niya'y nagtakbuhan. Sa sigaw ni Yahweh sa mga kaaway, sa apoy ng galit niyang nag-aalab, ang tubig sa dagat ay halos maparam, mga pundasyon ng mundo'y naglitawan. “Mula sa ilalim ng tubig sa dagat, iniahon ako't kanyang iniligtas. Iniligtas ako sa mga kaaway na di ko makayang mag-isang labanan. Sa kagipitan ko, ako'y sinalakay, subalit para sa akin si Yahweh ang lumaban. Sapagkat sa akin siya'y nasiyahan, iniligtas niya ako sa kapahamakan. “Ginantimpalaan ako ni Yahweh pagkat ako'y nasa katuwiran, pinagpapala niya ako dahil ako'y walang kasalanan. Sapagkat ang tuntunin ni Yahweh ay aking sinunod, hindi ako lumihis sa landas ng aking Diyos. Aking sinunod ang buong kautusan, isa mang utos niya'y hindi ko sinuway. Nalalaman niyang ako'y walang sala, sa gawang masama'y lumalayo tuwina. Kaya't ginantimpalaan ako ni Yahweh pagkat ako'y nasa katuwiran; pinagpapala niya ako dahil ako'y walang kasalanan. “Sa mga taong tapat, ikaw rin ay tapat, sa mga matuwid, matuwid kang ganap. Sa pusong malinis, bukás ka at tapat, ngunit sa mga baluktot, hatol mo'y marahas. Mga nagpapakumbabá'y iyong inililigtas, ngunit ang palalo'y iyong ibinabagsak. Ikaw po, O Yahweh, ang aking tanglaw, pinawi mong lubos ang aking kadiliman. Sa tulong mo'y nalulupig ko ang mga kaaway, sa pamamagitan mo, Diyos, anumang pader ay nahahakbang. Mga paraan ng Diyos ay walang kapintasan; pangako ni Yahweh ay sadyang maaasahan. Sa nagpapakupkop, siya ay kalasag. “Maliban kay Yahweh, may Diyos pa bang iba? Iisang tanggulan, hindi ba't siya na? Ang Diyos ang aking muog na kanlungan, ang nag-iingat sa aking daraanan. Tulad ng sa usa, paa ko'y pinatatag, sa mga bundok iniingatan akong ligtas. Sinanay niya ako sa pakikipagdigma, matigas na pana kaya kong mahila. “Ako'y iniligtas mo, Yahweh, ng iyong kalinga, at sa tulong mo ako'y naging dakila. Binigyan mo ako ng pagtataguan, kaya di mahuli ng mga kalaban. Mga kaaway ko ay aking tinugis, hanggang sa malipol, di ako nagbalik. Nilipol ko sila at saka sinaksak, at sa paanan ko sila ay bumagsak! Pinalakas mo ako para sa labanan, kaya't nagsisuko ang aking kalaban. Mga kaaway ko'y iyong itinaboy, mga namumuhi sa aki'y pawang nalipol. Humanap sila ng saklolo, ngunit walang matagpuan. Hindi sila pinansin ni Yahweh nang sila'y nanawagan. Tinapakan ko sila hanggang sa madurog, pinulbos ko silang parang alikabok; sa mga lansangan, putik ang inabot. “Sa mga naghimagsik, ako'y iyong iniligtas, pamamahala sa mga bansa sa aki'y iniatas; at marami pang ibang sumuko't nabihag. Ang mga dayuhan sa aki'y yumuyukod, kapag narinig ang tinig ko, sila'y sumusunod. Sa laki ng takot ay naglalabasan sa kanilang kutang pinagtataguan. “Mabuhay si Yahweh! Purihin ang aking batong tanggulan. Dakilain ang aking Diyos! Ang bato ng aking kaligtasan. Nilulupig niya ang aking kalaban at pinapasuko sa aking paanan. Iniligtas ako sa aking kaaway, ako'y inilayo sa sumasalakay; sa taong marahas, ipinagsanggalang. “Sa lahat ng bansa ika'y aking pupurihin, ang karangalan mo'y aking aawitin, ang iyong pangalan, aking sasambahin. Pinagkaloobang magtagumpay lagi, ang abang lingkod mong piniling hari; di mo kailanman pababayaan ang iyong pinili, na si Haring David at ang kanyang mga susunod na lahi.” Ginawang dakila ng Diyos si David, anak ni Jesse. Siya ang lalaking pinili ng Diyos ni Jacob upang maging hari. Siya rin ang may-akda ng magagandang awit para sa Israel. Ito ang kanyang mga huling pangungusap: “Nagsasalita sa pamamagitan ko ang Espiritu ni Yahweh, ang salita niya'y nasa aking mga labi. Nagsalita ang Diyos ng Israel, ganito ang sinabi niya sa akin: ‘Ang haring namamahalang may katarungan at namumunong may pagkatakot sa Diyos, ay tulad ng araw sa pagbukang-liwayway, parang araw na sumisikat kung umagang walang ulap, at nagpapakislap sa dahon ng damo pagkalipas ng ulan.’ “Gayon pagpapalain ng Diyos ang aking sambahayan, dahil sa aming tipan na walang katapusan, kasunduang mananatili magpakailanman. Siya ang magbibigay sa akin ng tagumpay, ano pa ang dapat kong hangarin? Ngunit ang mga walang takot sa Diyos ay matutulad sa mga tinik na itinatapon. Walang mangahas dumampot sa kanila; at upang sila'y ipunin, kailangan ang kasangkapang bakal. Kapag naipon naman, sila'y tutupukin.” Ito ang mga pangalan ng mga magigiting na kawal ni David: ang una'y si Yosev-basevet na taga-Taquemon. Siya ang pinuno ng pangkat na kung tawagi'y “Ang Tatlo.” Sa isang labanan, nakapatay siya ng 800 kalaban sa pamamagitan lamang ng kanyang sibat. Ang pangalawa'y si Eleazar na anak ni Dodo, mula sa lahi ni Ahohi. Siya ang kasama ni David sa Pas-dammim nang sila'y lusubin ng mga Filisteo. Natalo ang mga Israelita, at nagsiatras, liban kay Eleazar. Hinarap niyang mag-isa ang mga Filisteo hanggang sa manigas ang kanyang kamay sa paghawak sa espada. Ngunit pinagtagumpay siya ni Yahweh nang araw na iyon. Pagkatapos ng labanan, saka pa lamang bumalik ang kanyang mga kasamang kawal para samsaman ang mga kaaway na napatay niya. Ang pangatlo ay si Samma na anak ni Age, isang taga-Arar. Sa Lehi ay may isang bukid na may tanim na gisantes. Dumating ang mga Filisteo at doon nagtipon. Natakot ang mga tagaroon at sila'y tumakas. Ngunit dumating si Samma, at tumayo sa gitna ng bukid upang ipagtanggol ito. Napatay niya ang mga Filisteo sa tulong ni Yahweh. Pagsisimula ng anihan, tatlo sa “Magigiting na Tatlumpu” ang nagpunta kay David sa yungib ng Adullam. Nagkakampo noon ang isang pangkat ng mga Filisteo sa Libis ng Refaim. Nang panahong iyon, si David ay nagkukubli sa isang kuta samantalang nagkakampo sa Bethlehem ang mga kawal na Filisteo. Dala ng matinding pananabik, nabigkas ni David ang ganito, “Sana'y makainom ako ng tubig buhat sa balon sa may pintuang-bayan ng Bethlehem!” Nang marinig nila iyon, nangahas silang lumusot sa mga bantay na Filisteo, at kumuha ng tubig sa balong nabanggit. Dinala nila ito kay David, ngunit hindi niya ito ininom. Sa halip, ang tubig ay ibinuhos niya sa lupa bilang handog kay Yahweh. Sinabi niya, “Hindi ko ito kayang inumin, Yahweh! Para ko na ring iinumin ang dugo ng mga nagtaya ng kanilang buhay upang makuha ito.” Minsan pang nakilala ang tapang ng tatlong magigiting na kawal na ito sa ginawa nilang iyon. Ang pinuno ng pangkat na binubuo ng “Tatlumpu” ay si Abisai, kapatid ni Joab na anak naman ni Zeruias. Kinikilala siya ng mga ito sapagkat minsa'y pinuksa niya sa pamamagitan lamang ng sibat ang 300 kaaway. Ito ang dahilan kaya ginawa siyang pinuno ng pangkat, ngunit kahit kinikilala siya sa tatlumpu, hindi pa rin siya kasintanyag ng “Tatlong Magigiting.” Si Benaias na anak ni Joiadang taga-Kabzeel ay isa ring magiting na kawal sa maraming pakikipaglaban. Siya ang pumatay sa dalawang lalaki na ipinagmamalaki ng Moab. Minsan, nang panahong madulas ang lupa dahil sa yelo, lumusong siya sa balon at pinatay ang isang leon na naroon. Siya rin ang pumatay sa isang higanteng Egipcio, kahit ang sandata niya'y isa lamang pamalo. Naagaw niya ang sibat ng Egipcio, at iyon na ang ipinampatay rito. Iyan ang kasaysayan ng bantog na si Benaias, ang labis na hinahangaan at kaanib ng “Tatlumpu.” Sa pangkat na ito, siya ay talagang kinikilala, ngunit hindi pa rin siya kasintanyag ng grupong “Ang Tatlo.” Dahil sa kanyang tapang, ginawa siyang sariling bantay ni David sa kanyang palasyo. Ang iba pang kabilang sa pangkat ng “Tatlumpu” ay si Asahel na kapatid ni Joab; si Elhanan na anak ni Dodo na taga-Bethlehem; si Samma na isang Harodita; si Elica na Harodita rin; si Helez na isang Peleteo; si Ira na anak ni Ekis na taga-Tekoa; si Abiezer na taga-Anatot; si Mebunai na taga-Husa; si Zalmon na taga-Aho; si Maharai na taga-Netofa; si Heleb, anak ni Baana, taga-Netofa rin; si Itai, anak ni Ribai na taga-Gibea sa lupain ng Benjamin; si Benaias na taga-Piraton; si Hidai na buhat sa mga libis ng Gaas; si Abi-albon na taga-Araba; si Azmavet na taga-Bahurim; si Eliaba na taga-Saalbon; si Jasen na taga-Gimzo: si Jonatan, anak ni Samma, taga-Arar; si Ahiam, anak ni Sarar, taga-Arar din; si Elifelet, anak ni Ahasbai, taga-Maaca; si Eliam na anak ni Ahitofel na taga-Gilo; si Hezrai na taga-Carmel; si Paarai na taga-Arab; si Igal na anak ni Natan, taga-Soba; si Bani na mula sa Gad; si Selec na taga-Ammon; si Naharai na taga-Beerot, tagapagdala ng kasuotang pandigma ni Joab na anak ni Zeruias; sina Ira at Jareb na taga-Jatir; at si Urias na Heteo. May tatlumpu't pitong magigiting na kawal si David. Dumating ang panahong muling nagalit sa Israel si Yahweh, at ginamit niya si David upang sila'y parusahan. Sinabi niya, “Lumakad ka at bilangin mo ang mga taga-Israel at mga taga-Juda.” Kaya't inutusan ni David si Joab, ang pinuno ng kanyang hukbo, “Pumunta ka kasama ng iyong mga opisyal sa lahat ng lipi ng Israel mula sa Dan hanggang Beer-seba, at bilangin ninyo ang sambayanan. Gusto kong malaman kung gaano sila karami.” Sumagot si Joab, “Sana'y loobin ni Yahweh, na paramihin ng sandaang ulit ang bilang ng sambayanan. At sana'y makita ninyo ang katuparan nito. Ngunit bakit gusto pa ninyong malaman ang bagay na ito?” Ngunit iginiit ni David ang kanyang utos, kaya't lumakad sila upang isagawa ang pagbilang sa sambayanang Israel. Tumawid sila ng Jordan at nagsimula sila sa Aroer tuloy sa lunsod sa gitna ng kapatagan patungong Gad hanggang sa Jazer. Pagkatapos, tumuloy sila sa Gilead at sa Kades, sa lupain ng mga Heteo at nagtuloy hanggang sa Dan. Mula roo'y nagpunta sila sa Sidon at nagpatuloy hanggang sa makarating sila sa may pader na lunsod ng Tiro. Nilibot nila ang lahat ng bayan ng mga Hivita at Cananeo at nagtapos sila sa Beer-seba sa katimugan ng Juda. Nagbalik sila sa Jerusalem pagkatapos na malibot nila ang buong lupain sa loob ng siyam na buwan at dalawampung araw. Iniulat ni Joab sa hari ang kabuuan ng lahat ng mga lalaking maaaring maglingkod sa hukbong sandatahan. Sa Israel ay 800,000 at sa Juda naman ay 500,000. Matapos ipabilang ni David ang mga tao, inusig siya ng kanyang budhi. Sinabi niya kay Yahweh, “Nagkasala ako nang malaki sa ginawa kong ito, patawarin po ninyo ako sa aking kahangalan.” Kinaumagahan, pagkagising ni David, sa utos ni Yahweh ay pumunta sa kanya ang propetang si Gad. Sinabi nito kay David, “Ito po ang ipinapasabi sa inyo ni Yahweh, ‘Mamili ka kung alin sa tatlong parusang ito ang gusto mong gawin ko sa iyo: Tatlong taóng taggutom sa iyong lupain, tatlong buwang pag-uusig ng iyong mga kaaway o tatlong araw na salot! Alin ang gusto ninyo para masabi ko sa nagsugo sa akin?” Sumagot si David, “Hirap na hirap ang aking kalooban sa nangyaring ito. Sapagkat mahabagin si Yahweh, ang pipiliin ko'y ang tuwirang parusa niya, kaysa ako'y mahulog pa sa kamay ng mga tao.” Kaya't si Yahweh ay nagpadala ng salot sa Israel, at mula sa Dan hanggang Beer-seba ay 70,000 tao ang namatay. Nangyari ito mula nang umagang iyon hanggang sa itinakdang panahon. Nang iunat ng anghel ang kanyang kamay upang puksain ang mga taga-Jerusalem, pinigil siya ni Yahweh. Nagbago ang pasya nito at sinabi, “Tama na! Huwag mo nang ituloy.” Ang anghel ni Yahweh ay nakatayo noon sa giikan ni Arauna, isang Jebuseo. Nang makita ni David ang anghel, sinabi niya kay Yahweh, “Napakalaki ng pagkakasalang nagawa ko sa inyo at ang mga walang malay na tupang ito ang nagdurusa. Ako at ang aking sambahayan ang parusahan ninyo.” Nang araw ring iyon, lumapit si Gad kay David at sinabi, “Gumawa kayo ng altar para kay Yahweh sa giikan ni Arauna.” Sinunod ni David ang utos ni Yahweh. Nang makita ni Arauna na dumarating ang hari kasama ang kanyang mga lingkod, sumalubong siya at nagpatirapa sa harapan niyon. “Ano po kaya ang inyong pakay, Kamahalan, at dumalaw sa inyong abang lingkod?” tanong ni Arauna. Sumagot si David, “Bibilhin ko ang iyong giikan para pagtayuan ng altar ni Yahweh, upang mahinto na ang salot.” “Hindi na po kailangang bilhin ito; gamitin na po ninyo sa paghahandog,” tugon naman ni Arauna. Sinabi pa niya, “Mayroon po akong mga toro dito. Ito na po ang inyong ihandog. Ang kariton po namang ito at mga pamatok ay gawin na ninyong panggatong.” Nang maibigay niya ang lahat ng ito ay idinugtong pa niya, “Maging kalugud-lugod nawa ang inyong handog kay Yahweh na inyong Diyos.” Ngunit sinabi ng hari, “Hindi maaari; babayaran kita, sapagkat hindi ako maghahandog kay Yahweh nang anumang walang halaga sa akin.” Kaya't binayaran ni David ang giikang iyon at ang toro sa halagang limampung pirasong pilak. Gumawa nga siya ng altar at nagdala roon ng handog na susunugin at handog pangkapayapaan. Pinakinggan ni Yahweh ang panalangin ni David para sa bansa at tumigil na nga ang salot sa Israel. Matandang-matanda na noon si Haring David. Kahit kumutan ng makapal ay giniginaw pa rin siya. Kaya't sinabi ng kanyang mga lingkod, “Kung ipapahintulot po ninyo, Kamahalan, ihahanap namin kayo ng isang dalaga na dito titira at mag-aalaga sa inyo. Matutulog siya sa tabi ninyo upang mabigyan kayo ng init.” At naghanap nga sila sa buong Israel ng isang magandang dalaga, at natagpuan nila si Abisag na taga-Sunem. Siya'y kanilang dinala sa hari. Tumira siya sa piling ng hari at inalagaan ito. Bagama't siya'y napakaganda, hindi siya ginalaw ng hari. Samantala, ipinamamalita ni Adonias na anak ni Haguit na siya ang susunod na hari. May inihanda na siyang mga karwahe, mga mangangabayo at limampung alalay na kawal. Ni minsa'y hindi siya pinagsabihan o sinaway ng hari sa mga ginagawa niya. Si Adonias ay nakababatang kapatid ni Absalom, at napakakisig ding tulad nito. Kinausap na niya si Joab na anak ni Zeruias at ang paring si Abiatar, at sumang-ayon ang mga ito na siya'y tutulungan. Ngunit hindi pumanig sa kanya ang paring si Zadok at ang propetang si Natan, pati si Benaias na anak ni Joiada, gayundin sina Simei at Rei at ang magigiting na bantay ni David. Naghandog si Adonias ng maraming tupa, baka at pinatabang toro sa Bato ng Zohelete na malapit sa En-rogel. Inanyayahan niya roon ang kanyang mga kapatid, ang mga anak ng hari, at ang mga opisyal ng hari mula sa lipi ni Juda. Ngunit hindi niya inanyayahan ang propetang si Natan, si Benaias at ang mga bantay ng hari at ang kapatid niyang si Solomon. Kaya kinausap ni Natan si Batsheba na ina ni Solomon. Sabi niya, “Hindi ba ninyo alam na ipinahayag na ni Adonias na siya na ang hari at ito ay lingid sa kaalaman ni Haring David? Kung gusto ninyong iligtas ang sarili ninyong buhay at pati ang buhay ng inyong anak na si Solomon, ito ang maipapayo ko: pumunta agad kayo sa hari at sabihin sa kanya, “Hindi ba't ipinangako ninyo sa akin na si Solomon ang maghahari na kahalili ninyo? Bakit si Adonias ngayon ang naging hari? At samantalang kausap ninyo ang hari, papasok ako at patutunayan ko ang inyong sinabi.” Pumunta nga si Batsheba sa silid ng hari. Ang hari noon ay matandang-matanda na at si Abisag, ang dalagang taga-Sunem ang nag-aalaga sa kanya. Yumuko si Batsheba at nagpatirapa sa harapan ng hari. “Anong kailangan mo?” tanong ng hari. Sumagot siya, “Mahal kong hari, ipinangako po ninyo sa akin sa pangalan ng Diyos ninyong si Yahweh na ang anak kong si Solomon ang magiging hari kapalit ninyo. Subalit naghahari na ngayon si Adonias nang hindi ninyo nalalaman. Nagpatay po siya ng maraming baka, tupa at pinatabang toro. Inanyayahan po niya sa pagdiriwang na iyon ang mga anak ng hari, ang paring si Abiatar at si Joab, ang pinakamataas na pinuno ng inyong hukbo. Ngunit hindi niya inanyayahan ang inyong lingkod na si Solomon. Kaya po, mahal na hari, hinihintay ng buong bayang Israel na sabihin ninyo kung sino talaga ang hahalili sa inyo bilang hari. At kung hindi, pagkamatay po ninyo'y manganganib ang buhay ko at ng anak kong si Solomon.” Samantalang magkausap ang hari at si Batsheba, dumating naman ang propetang si Natan. May nagsabi sa hari na ito'y naghihintay, kaya't ito'y kanyang ipinatawag. Lumapit ang propeta, nagpatirapa sa harapan ng hari, at ang sabi, “Mahal na hari, ipinahayag na po ba ninyo na si Adonias ang papalit sa inyo? Ngayon po'y nasa labas siya ng lunsod at nagpapatay ng maraming baka, tupa at pinatabang toro. Inanyayahan po niya ang mga anak ng hari, si Joab na pinakamataas na pinuno ng hukbo at ang paring si Abiatar. Naroon po sila't nagkakainan at nag-iinuman, at ang isinisigaw ay ‘Mabuhay si Haring Adonias!’ Ngunit ako pong inyong lingkod, at ang paring si Zadok, si Benaias na anak ni Joiada, at ang anak ninyong si Solomon ay hindi niya inanyayahan. Ito po ba'y utos ng mahal na hari? Bakit po walang nagsabi sa inyong lingkod kung sino ang susunod sa inyo bilang hari?” Kaya't nagsalita si Haring David, “Tawagin ninyo si Batsheba.” Paglapit ni Batsheba ay sinabi ng hari, “Saksi si Yahweh, ang buháy na Diyos ng Israel na nagligtas sa akin sa lahat kong mga kaaway! Nanumpa ako noon sa pangalan niya, na ang anak mong si Solomon ang siyang hahalili sa akin. Tutuparin ko ngayon ang aking pangako.” Nagpatirapa si Batsheba sa harapan ng hari bilang paggalang. “Mabuhay ang Haring David magpakailanman,” sabi niya. Pagkatapos, sinabi ni Haring David: “Tawagin ninyo ang paring si Zadok, ang propetang si Natan at si Benaias.” Kaya't humarap sa hari ang mga tinawag. Sila naman ang inutusan ng hari, “Isama ninyo ang aking mga opisyal, pasakayin ninyo ang anak kong si Solomon sa aking sariling mola at samahan ninyo siya patungo sa Gihon. Bubuhusan siya roon ng langis bilang hari ng Israel ng paring si Zadok at ng propetang si Natan. Pagkatapos ay hipan ninyo ang trumpeta at isigaw ninyo, ‘Mabuhay si Haring Solomon!’ Sundan ninyo siya pabalik dito at paupuin sa aking trono, sapagkat siya ang papalit sa akin bilang hari. Siya ang aking pinili na magiging hari sa Israel at sa Juda.” Sumagot si Benaias, “Matutupad po! At pagtibayin nawa ito ni Yahweh, ang Diyos ng mahal na hari. At kung paanong pinagpala ni Yahweh ang mahal kong hari, nawa'y pagpalain din niya si Solomon. Nawa'y maging mas dakila ang kanyang paghahari kaysa paghahari ng mahal kong haring si David.” Lumakad nga ang paring si Zadok, ang propetang si Natan at si Benaias at ang mga Kereteo at Peleteo. Pinasakay nila si Solomon sa mola ni Haring David at sinamahan siya patungong Gihon. Kinuha ng paring si Zadok sa tolda ang sungay na lalagyan ng langis, at binuhusan ng langis si Solomon bilang hari. Hinipan nila ang trumpeta at nagsigawan ang lahat, “Mabuhay si Haring Solomon!” Inihatid siya ng mga tao pabalik sa lunsod. Habang daa'y nagsisigawan sila sa tuwa at nagtutugtugan ng mga plauta, at halos mayanig ang lupa sa lakas ng ingay. Tapos nang kumain noon ang mga panauhin ni Adonias, at ang ingay ay narinig nilang lahat. Narinig din ni Joab ang tunog ng trumpeta, kaya naitanong niya, “Ano iyon? Bakit maingay sa lunsod?” Nagsasalita pa siya nang dumating si Jonatan, anak ng paring si Abiatar. “Halika rito,” tawag ni Adonias. “Narito ang isang mabuting tao at tiyak na mabuti rin ang dala niyang balita.” Sumagot si Jonatan, “Hindi po! Ipinahayag na po ni Haring David na si Solomon na ang hari. Pinasama ng hari kay Solomon ang paring si Zadok, ang propetang si Natan, si Benaias na anak ni Joiada at ang mga Kereteo at Peleteo at pinasakay nila ito sa mola ng hari. Binuhusan na siya ng langis bilang hari ng paring si Zadok at ng propetang si Natan sa Gihon. Siya ay inihatid nila sa lunsod at nagsisigawan sa tuwa ang mga tao. Iyon po ang ingay na naririnig ninyo. At ngayon po, nakaupo na si Solomon sa trono. Pati ang matataas na opisyal ng hari ay pumunta na po kay Haring David at siya'y binati. Sabi po nila, ‘Loobin nawa ng inyong Diyos na ang pangalan ni Solomon ay maging higit na dakila kaysa inyong pangalan. At ang paghahari niya'y maging higit na dakila kaysa inyong paghahari.’ Yumuko ang hari sa kanyang pagkakahiga, at ganito ang sinabi: ‘Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel, sapagkat minarapat niyang makita ko sa araw na ito ang isa sa aking mga anak na nakaupo sa aking trono.’” Nang marinig ito, natakot ang lahat ng panauhin ni Adonias at nagkanya-kanyang takas. Natakot din si Adonias kay Solomon, kaya't tumakbo siya sa altar ng Toldang Tipanan at kumapit sa mga sungay nito. May nagsabi kay Solomon, “Takot na takot po sa inyong Kamahalan si Adonias. Nakakapit siya sa mga sungay ng altar at ipinapasabi na hindi siya aalis doon kung hindi muna kayo mangangako na hindi ninyo siya papatayin.” Sumagot si Solomon, “Kung mapapatunayan niyang siya'y tapat, hindi siya mamamatay, wala ni isang hibla ng kanyang buhok ang malalaglag sa lupa. Ngunit kung hindi, siya'y mamamatay.” Kaya't pinapuntahan siya ni Haring Solomon at ipinakuha sa altar. Paglapit ni Adonias, nagpatirapa ito sa harapan ni Haring Solomon. Sinabi naman sa kanya ni Solomon, “Umuwi ka na sa inyo.” Nang malapit nang mamatay si David, pinagbilinan niya si Solomon ng ganito: “Malapit na akong mamatay. Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Tuparin mo ang iyong tungkulin kay Yahweh na iyong Diyos, at mamuhay ka ayon sa kanyang kalooban. Sundin mo ang kanyang mga batas, utos, hatol at tuntunin ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises. Sa gayon, magtatagumpay ka sa lahat mong gawain, at tutuparin ni Yahweh ang pangako niya sa akin: ‘Kapag ang iyong mga anak at susunod na salinlahi ay nanatiling tapat sa akin at sumunod sa akin nang buong puso't kaluluwa, magpapatuloy ang iyong angkan sa trono ng Israel.’ “Alam mo ang ginawa sa akin ni Joab na anak ni Zeruias, nang patayin niya ang dalawang pinakamataas na pinuno ng hukbo ng Israel na si Abner at si Amasa na anak ni Jeter. Sa pagpatay niya sa dalawang ito, ipinaghiganti sa panahon ng kapayapaan ang dugong dumanak sa panahon ng digmaan. Sa gayo'y dinungisan niya ang aking pangalan bilang marangal na mandirigma. Gawin mo sa kanya ang inaakala mong dapat gawin. Huwag mong hahayaang mamatay siya nang mapayapa. “Ipagpatuloy mo ang magandang pakikitungo sa angkan ni Barzilai na taga-Gilead. Paglaanan mo sila ng upuan sa iyong hapag-kainan, sapagkat tinulungan nila ako noong ako'y tumatakas sa kapatid mong si Absalom. “Huwag mo ring kalilimutan si Simei na taga-Bahurim, ang anak ni Gera na mula sa lipi ni Benjamin. Pinagmumura niya ako noong ako'y umalis patungo sa Mahanaim. Nang masalubong ko siya sa Jordan, ipinangako ko sa pangalan ni Yahweh na hindi ko siya papatayin. Ngunit tiyakin mong siya'y mapaparusahan. Matalino kang tao at alam mo ang dapat gawin. Iparanas mo sa kanya ang lupit ng kamatayan.” Namatay si Haring David at inilibing sa Lunsod ni David. Apatnapung taon siyang naghari: pitong taon sa Hebron at tatlumpu't tatlong taon naman sa Jerusalem. Kaya't nang maupo na si Solomon sa trono ni David bilang bagong hari, matatag na ang kanyang kaharian. Samantala, nilapitan naman ni Adonias na anak ni Haguit ang ina ni Solomon na si Batsheba. “Kapayapaan ba ang pakay mo?” tanong ni Batsheba. “Opo! Kapayapaan po!” tugon ni Adonias, at idinugtong niya, “May sasabihin po ako sa inyo!” “Magpatuloy ka,” sagot ni Batsheba. Nagsalita si Adonias, “Alam po naman ninyo, na ako sana ang naging hari; ito ang inaasahan ng bayan. Ngunit nawala sa akin ang korona at napunta sa aking kapatid, sapagkat iyon ang kagustuhan ni Yahweh. Mayroon po akong hihilingin sa inyo. Huwag ninyo sanang ipagkakait sa akin!” “Sabihin mo,” wika uli ni Batsheba. At nagpatuloy si Adonias, “Alam ko pong hindi siya makakatanggi sa inyo, maaari po bang hingin ninyo sa Haring Solomon na ipagkaloob sa akin na maging asawa ko si Abisag, ang dalagang taga-Sunem?” “Sige! Kakausapin ko ang hari,” sagot ni Batsheba. Kaya't pumunta si Batsheba kay Haring Solomon upang sabihin ang kahilingan ni Adonias. Tumayo ang hari upang siya'y salubungin, yumuko sa kanya, at saka naupo sa kanyang trono. Nagpakuha ng isa pang trono, inilagay sa kanyang kanan at doon pinaupo ang ina. “Mayroon akong isang maliit na kahilingan sa iyo, anak! Huwag mo sana akong tatanggihan,” sabi ng ina. Sumagot ang hari, “Mahal kong ina, sabihin ninyo! Alam ninyong hindi ko kayo matatanggihan!” Kaya't nagpatuloy si Batsheba: “Ipahintulot mong si Abisag, ang dalagang taga-Sunem, ay maging asawa ng kapatid mong si Adonias.” Sumagot si Haring Solomon sa kanyang ina, “At bakit po ninyo hiniling si Abisag para kay Adonias? Bakit hindi rin ninyo hilinging ibigay ko sa kanya ang trono, sapagkat siya'y nakatatanda kong kapatid; at ang paring si Abiatar, pati si Joab na anak ni Zeruias ay nasa kanyang panig.” Nanumpa noon si Haring Solomon, “Parusahan nawa ako ni Yahweh kapag hahayaan ko pang mabuhay si Adonias dahil sa ginawa niyang ito! Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy na naglagay sa akin sa trono ng aking amang si David, at nangakong mananatiling maghahari sa Israel ang aming lahi; sa araw ding ito'y mamamatay si Adonias.” Kaya't iniutos niya kay Benaias na patayin si Adonias, at ganoon nga ang nangyari. Tungkol naman sa paring si Abiatar, siya'y pinagsabihan ng hari, “Pumunta ka sa lupain mo sa Anatot. Dapat ka sanang mamatay. Ngunit hindi kita ipapapatay sa araw na ito alang-alang sa pangangasiwa mo sa Kaban ng Tipan ng Panginoong Yahweh nang kasama ka pa ng aking amang si David, at sa pakikisama mo sa kanya sa mga hirap na kanyang dinanas.” Ngunit tinanggal ni Solomon si Abiatar sa pagkapari ni Yahweh. Sa gayong paraan, natupad ang sinabi ni Yahweh sa Shilo tungkol sa angkan ni Eli. Ang lahat ng ito'y nabalitaan ni Joab. Sapagkat pumanig siya kay Adonias, kahit hindi siya pumanig kay Absalom, kaya't nagtago siya sa Tolda ni Yahweh at kumapit sa mga sungay ng altar. Nang malaman ni Haring Solomon na nagtago si Joab sa Tolda ni Yahweh sa tabi ng altar, pinapunta roon si Benaias upang siya'y patayin. Pumunta nga si Benaias sa Tolda ni Yahweh at tinawag si Joab, “Iniuutos ng hari na lumabas ka riyan.” Ngunit sumagot si Joab; “Hindi ako lalabas dito; dito ako mamamatay.” At sinabi ni Benaias sa hari ang sagot ni Joab. Kaya't iniutos ng hari: “Gawin mo ang sinabi niya. Patayin mo siya at ilibing. Sa gayon, aalisin mo sa lahi ng aking ama ang sumpa sa pagpatay ng mga walang sala. Siya na rin ang sisisihin ni Yahweh sa kanyang sariling pagkamatay, sapagkat pumatay siya ng dalawang lalaking higit na mabuti kaysa kanya, si Abner at si Amasa na anak ni Jeter. Pinatay niya sa pamamagitan ng patalim ang dalawang pinunong ito ng hukbo ng Israel nang hindi nalalaman ng ama kong si David. Ang sumpa ng kanilang dugo ay dadalhin ni Joab at ng kanyang lahi magpakailanman. At patatatagin ni Yahweh si David, ang kanyang lahi at ang kanyang kaharian magpakailanman.” Pinuntahan nga ni Benaias si Joab at pinatay; siya'y inilibing sa kanyang tirahang malapit sa ilang. Si Benaias na anak ni Joiada ang inihalili ng hari kay Joab bilang pinakamataas na pinuno ng hukbo. At ang paring si Zadok naman ang ipinalit kay Abiatar. Pagkatapos, ipinasundo ng hari si Simei at sinabi sa kanya, “Magtayo ka ng bahay sa Jerusalem, dito ka tumira, at huwag kang lalabas ng lunsod. At tandaan mo ito: Kapag tumawid ka ng Batis ng Kidron, mamamatay ka; at ikaw na rin ang mananagot sa iyong pagkamatay.” Sumagot si Simei, “Maaasahan po ninyo! Susundin ko po ang inyong utos.” At mahabang panahon ngang nanirahan si Simei sa Jerusalem. Ngunit pagkalipas ng tatlong taon, may dalawang alipin si Simei na tumakas at pumunta kay Aquis na anak ni Maaca, hari ng Gat. At may nagsabi sa kanya na ang mga alipin niya'y nasa Gat. Ipinahanda niya ang kanyang asno at pumunta kay Aquis upang kunin ang kanyang mga alipin. Nakuha nga niya sa Gat ang kanyang mga alipin at siya'y bumalik na. Nabalitaan ni Solomon na si Simei ay umalis ng Jerusalem at nanggaling sa Gat. Ipinatawag siya ng hari at sinabi sa kanya, “Hindi ba't pinanumpa kita sa pangalan ni Yahweh at binalaan pa kita na mamamatay ka kapag nagpunta ka ng ibang lugar? Di ba't ang sagot mo'y susunod ka? Bakit hindi mo iginalang ang sumpa mo kay Yahweh at ang utos ko sa iyo?” At idinagdag pa ng hari, “Alam mo ang mga kasamaang ginawa mo sa aking amang si David. Ngayon, sa iyong ulo ibinabagsak ni Yahweh ang lahat ng iyon. Ngunit pagpapalain niya si Haring Solomon, at sa tulong niya'y magiging matatag ang kaharian ni David.” Iniutos ng hari kay Benaias na patayin si Simei, at ganoon nga ang nangyari. Kaya't naging lubusang matatag ang paghahari ni Solomon. Naging kakampi ni Solomon ang Faraon, hari ng Egipto, nang kanyang pakasalan ang anak nito. Itinira niya ang prinsesa sa lunsod ni David habang hindi pa tapos ang kanyang palasyo, ang bahay ni Yahweh at ang pader ng Jerusalem. Ngunit ang mga taong-bayan ay patuloy pang nag-aalay ng kanilang mga handog sa Diyos sa mga sagradong burol, sapagkat wala pa noong naitatayong bahay sambahan para kay Yahweh. Mahal ni Solomon si Yahweh, at sinusunod niya ang mga tagubilin ng kanyang amang si David. Subalit nag-aalay din siya ng handog at nagsusunog ng insenso sa mga altar sa burol. Minsan, pumunta si Solomon sa Gibeon upang maghandog, sapagkat iyon ang pinakatanyag na sagradong burol. Nakapag-alay na siya roon ng daan-daang handog na sinusunog. Kinagabihan, samantalang siya'y naroon pa sa Gibeon, nagpakita sa kanya si Yahweh sa isang panaginip at tinanong siya, “Ano ang gusto mong ibigay ko sa iyo? Sabihin mo!” wika sa kanya. Sumagot si Solomon, “Kinahabagan ninyo at tunay na minahal ang aking amang si David dahil naging tapat at matuwid siya sa inyo at naging malinis ang kanyang puso. At ipinagpatuloy ninyo ang inyong tapat na pagmamahal sa kanya nang bigyan ninyo siya ng isang anak na ngayo'y nakaupo sa kanyang trono. Yahweh, aking Diyos, ginawa mo akong hari bilang kahalili ng aking amang si David, kahit ako'y bata pa't walang karanasan. Ngayo'y nasa kalagitnaan ako ng iyong bayang pinili, bayang hindi na mabilang sa dami. Bigyan po ninyo ako ng karunungang kailangan ko sa pamamahala at kakayahang kumilala ng mabuti sa masama. Sapagkat sino po ba ang may kakayahang maghari sa napakalaking bayang ito?” Dahil ito ang hiniling ni Solomon, nalugod sa kanya si Yahweh at sinabi sa kanya, “Dahil hindi ka humiling para sa iyong sarili ng mahabang buhay, o kayamanan, o kamatayan ng iyong mga kaaway, kundi ang hiniling mo'y karunungang kumilala ng mabuti sa masama, ibibigay ko sa iyo ang hiniling mo. Bibigyan kita ng karunungan na walang kapantay, maging sa mga nauna o sa mga susunod pa sa iyo. Ibibigay ko rin sa iyo ang mga bagay na hindi mo hiningi: kayamanan at karangalang hindi mapapantayan ng sinumang hari sa buong buhay mo. At kung mamumuhay ka ayon sa aking kalooban, kung susundin mo ang aking mga batas at mga utos, tulad ng ginawa ng iyong amang si David, pagkakalooban pa kita ng mahabang buhay.” Nagising si Solomon at noon niya nalaman na siya'y kinausap ni Yahweh sa panaginip. Pagbalik niya sa Jerusalem, pumunta siya sa harap ng Kaban ng Tipan ni Yahweh, at nag-alay ng mga handog na susunugin at mga handog para sa kapayapaan. Naghanda rin siya ng isang salu-salo para sa kanyang mga tauhan. Isang araw, nagpunta sa hari ang dalawang babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw. Ang sabi ng isa, “Mahal na hari, kami po ng babaing ito ay nakatira sa iisang bahay. Nanganak po ako habang siya'y naroon. Pagkalipas ng tatlong araw nanganak din ang babaing ito. Wala po kaming ibang kasama roon. Isang gabi ay nadaganan po niya ang kanyang anak at ito'y namatay. Malalim na ang gabi nang siya'y bumangon at habang ako nama'y natutulog. Kinuha niya sa tabi ko ang aking anak at dinala sa kanyang higaan, at inilagay naman sa tabi ko ang kanyang patay na anak. Kinaumagahan, bumangon po ako upang pasusuhin ang aking anak, ngunit natagpuan ko na lang na ito'y patay na. Subalit nang pagmasdan ko pong mabuti, nakilala kong hindi iyon ang aking anak.” Tumutol naman ang pangalawa at ang sabi, “Hindi totoo 'yan! Anak ko ang buháy at ang sa iyo'y patay.” Lalo namang iginiit ng una, “Hindi totoo 'yan! Anak mo ang patay at akin ang buháy!” At ganito ang kanilang pagtatalo sa harapan ng hari. Kaya't sinabi ni Solomon sa isa, “Sinasabi mong iyo ang buháy na bata at kanya ang patay;” at sa ikalawa, “Ang sabi mo nama'y iyo ang buháy at kanya ang patay.” Kaya nagpakuha ang hari ng isang tabak. At dinala nga sa kanya ang isang tabak. Sinabi ng hari, “Hatiin ang batang buháy at ibigay ang kalahati sa bawat isa.” Nabagbag ang puso ng tunay na ina ng batang buháy at napasigaw: “Huwag po, Kamahalan! Ibigay na po ninyo sa kanya ang bata, huwag lamang ninyong patayin.” Sabi naman noong isa, “Sige, hatiin ninyo ang bata upang walang makinabang kahit sino sa amin!” Kaya't sinabi ni Solomon, “Huwag ninyong patayin ang bata. Ibigay ninyo sa una; siya ang tunay niyang ina.” Napabalita sa buong Israel ang hatol na iginawad ng hari at ang lahat ay nagkaroon ng paggalang at takot sa kanya. Nabatid nilang taglay niya ang karunungan ng Diyos upang humatol nang makatarungan. Naglagay din si Solomon ng labindalawang punong-lalawigan. Bawat buwan, isa sa kanila ang nag-iipon at nagpapadala ng pagkain para sa hari at kanyang sambahayan. Ito ang kanilang mga pangalan: si Benhur, sa kabundukan ng Efraim; si Ben-dequer ang sa Macaz, Saalbim, Beth-semes, at Elon-behanan; si Ben-hessed, sa Arubot; sa kanya rin ang Socoh at ang buong lupain ng Hefer. Sa kataasan ng Dor, si Ben-abinadab, na manugang ni Solomon—asawa ni Tafath. Si Baana, anak ni Ahilud, ang sa Taanac at Megido, kabila ng Jokneam. Sakop din niya ang buong Beth-sean sa ibaba ng Jezreel, buhat sa Beth-sean hanggang sa Abel-mehola na nasa tabi ng Zaretan. Si Ben-geber ang sa Ramot-galaad. Kanya ang mga kampo ni Jair na anak ni Manases sa lupain ng Gilead. Kanya rin ang sakop ng Argob sa lupain ng Bashan—animnapung lunsod na napapaligiran ng pader at may kandadong tanso sa mga tarangkahan. Sa Mahanaim naman ay si Ahinadab na anak ni Iddo, at si Ahimaaz, asawa ni Basemat na anak ni Solomon ang sa Neftali. Si Baana na anak ni Husai ang sa Asher at sa Alot, at si Jehoshafat na anak ni Parua ang sa Isacar. Sa Benjamin ay si Simei na anak ni Ela, samantalang si Geber na anak ni Uri ay inilagay niya sa Gilead, sa lupain ni Sihon, hari ng mga Amoreo, at ni Og, hari ng Bashan. At mayroon pang isang pinuno sa mga sariling lupain ng hari. Parang buhangin sa tabing-dagat sa dami ang mga mamamayan sa Juda at Israel. Sagana sila sa pagkain at inumin at masaya silang namumuhay. Napasailalim sa kaharian ni Solomon ang lahat ng kaharian mula sa Ilog Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo at hangganan ng Egipto. Nagbabayad sila ng buwis at naglilingkod sa kanya habang siya'y nabubuhay. Ganito karami ang pagkaing nauubos ni Solomon at ng kanyang mga tauhan araw-araw. Harinang mainam, 150 kaban; harinang karaniwan, 300 kaban; ulo ng pinatabang baka, sampu nito ay bakang galing sa pastulan; isandaang tupa, bukod pa ang mga usang malalaki at maliliit, mga usang gubat at mga gansa. Sakop niya ang lahat ng lupain sa kanluran ng Ilog Eufrates buhat sa Tifsa hanggang sa Gaza, at nagpasakop sa kanya ang lahat ng hari sa kanluran ng ilog. Kaya't walang gumagambala sa kanyang kaharian. Habang nabubuhay si Solomon ay mapayapa ang buong Juda at Israel. Mula sa Dan hanggang sa Beer-seba bawat pamilya ay may sariling punong ubas at punong igos. Si Solomon ay may 40,000 kuwadra ng kabayo para sa kanyang mga karwahe, at mayroon rin siyang 12,000 mangangabayo. Ang labindalawang punong-lalawigan ang nagpapadala ng mga pagkain at lahat ng pangangailangan ni Solomon at ng mga tauhang pinapakain niya, bawat isa'y isang buwan. Kailanma'y hindi sila nagkulang. Sila rin ang nagbibigay ng sebada at dayami para sa mga kabayong sasakyan at pangkarwahe; ipinadadala nila iyon kung saan kailangan. Walang kapantay ang katalinuhan at karunungang ipinagkaloob ni Yahweh kay Solomon. Walang katulad ang kanyang kaalaman. Ito ay higit sa karunungan ng lahat ng mga matatalinong tao sa silangan at sa buong Egipto. Mas marunong siya kaysa sinumang tao. Mas marunong siya kay Etan na mula sa angkan ni Ezra, at kina Heman, Calcol, Darda, na mga anak ni Machol. Naging tanyag siya sa lahat ng bansa sa paligid. Siya ang may-akda ng tatlong libong salawikain; kumatha rin siya ng isang libo't limang mga awit. Nakapagpapaliwanag siya tungkol sa lahat ng uri ng halaman: mula sa sedar ng Lebanon hanggang sa hisopong tumutubo sa pader. Naipapaliwanag din niya ang tungkol sa mga hayop na lumalakad o gumagapang sa lupa; gayundin ang tungkol sa mga ibon at mga isda. Dinadayo siya ng mga hari sa buong daigdig upang makinig sa kanyang karunungan. Pinapapunta rin sa kanya ang maraming mga tao upang siya'y mapakinggan. Matagal nang magkaibigan si Hiram na hari ng Tiro at si Haring David. Kaya't nang mabalitaan nitong si Solomon ay pinili na bilang hari, at siyang kahalili ng kanyang amang si David, nagpadala agad ito ng mga sugo kay Solomon. Nagsugo rin sa kanya si Solomon at ganito ang ipinasabi: “Alam po ninyo na ang ama kong si David ay hindi nakapagtayo ng Templo para kay Yahweh na kanyang Diyos. Ito'y dahil sa mga digmaang hinarap niya sa magkabi-kabilang panig hanggang sa pagtagumpayin siya ni Yahweh laban sa lahat niyang mga kaaway. Ngunit binigyan ako ngayon ng Diyos kong si Yahweh ng kapayapaan sa buong kaharian. Wala na akong kaaway at wala nang panganib na pinangangambahan. Kaya binabalak kong ipagtayo ng isang templo si Yahweh na aking Diyos. Gaya ng pangako niya sa aking ama, ‘Ang anak mo na pauupuin ko sa iyong trono bilang kahalili ang siyang magtatayo ng aking Templo.’ Kaya hinihiling ko sa inyong Kamahalan na bigyan ako ng mga tauhang puputol ng mga sedar sa Lebanon. Babayaran ko sila sa halagang itatakda ninyo. Tutulong sa kanila ang mga tauhan ko sapagkat hindi sila sanay magputol ng mga punongkahoy tulad ng mga taga-Sidon.” Lubos na ikinatuwa ni Hiram nang marinig niya ang kahilingang iyon ni Solomon. Kaya't sinabi niya, “Purihin si Yahweh sa araw na ito sapagkat binigyan niya si David ng isang anak na marunong mamahala sa kanyang dakilang sambayanan!” At ganito ang naging tugon ni Hiram kay Solomon: “Natanggap ko ang iyong mensahe. Handa akong magbigay sa inyo ng lahat ng kailangan ninyong kahoy na sedar at sipres. Ilulusong ng aking mga tauhan ang mga troso buhat sa Lebanon hanggang sa dagat. Buhat naman doon ay babalsahin hanggang sa daungan na inyong mapili. Pagdating doon, saka paghihiwa-hiwalayin upang inyong ipahakot. Bilang kapalit, bibigyan naman ninyo ako ng mga pagkain para sa aking mga tauhan.” Kaya't pinadalhan ni Hiram si Solomon ng lahat ng kahoy na sedar at sipres na kailangan nito. Taun-taon naman ay pinadadalhan ni Solomon si Hiram ng 100,000 takal ng trigo at 110,000 galong langis ng olibo para sa mga tauhan nito. Si Solomon nga'y binigyan ni Yahweh ng karunungan tulad ng kanyang ipinangako. Naging magkaibigan sina Solomon at Hiram, at gumawa sila ng kasunduan ng pagkakaibigan. Iniutos ni Solomon sa buong Israel ang sapilitang pagtatrabaho ng 30,000 kalalakihan. Ipinadadala niya sa Lebanon ang mga ito, 10,000 bawat pangkat. Isang buwan sila sa Lebanon, at dalawang buwan sa kani-kanilang tahanan. Si Adoniram ang tagapangasiwa ng sapilitang paggawang ito. Si Solomon ay may walumpung libong tagatibag ng mga bato sa bundok at pitumpung libong tagahakot ng mga ito. Umabot sa 3,300 naman ang mga kapatas na namamahala sa mga manggagawa. Sa utos ng hari, nagtatabas sila ng malalaking bato upang gamiting pundasyon ng Templo. Katulong din ng mga tauhan ni Solomon at ni Hiram ang mga taga-Biblos sa pagtibag ng bato at pagputol ng kahoy na ginamit sa pagtatayo ng Templo. Apatnaraan at walumpung taon makalipas na ang Israel ay umalis sa Egipto, nang ikalawang buwan, ng ikaapat na taon ng paghahari ni Solomon, sinimulan ni Solomon ang pagtatayo ng Templo. Ang templong ipinagawa ni Solomon para kay Yahweh ay dalawampu't pitong metro ang haba, siyam na metro ang luwang at labing-tatlo't kalahating metro ang taas. Sa harapan ng Templo, pahalang sa takbo ng kabahayan, ay may pasilyo na apat at kalahating metro ang haba, at siyam na metro ang luwang. Ang mga bintana ng Templo'y may bastidor at mga rehas. Nagtayo rin ng isang gusaling may tatlong palapag sa mga gilid ng pader at sa likod ng templo. Dalawa't kalahating metro ang luwang ng unang palapag, tatlong metro ang pangalawa, at tatlo't kalahati ang pangatlo. Ganito ang nangyari sapagkat sa gawing labas, ang pader ng Templo ay pakapal nang pakapal ng isang siko sa bawat palapag, mula sa itaas hanggang pababa. Ang mga biga ng bawat palapag ay nakapatong sa pader at hindi iniukit dito. Tinabas na sa lugar na pinagtibagan ang mga batong ginamit sa Templo, kaya't walang narinig na pukpok ng martilyo, palakol o anumang kasangkapang bakal habang ginagawa ang Templo. Nasa kanang sulok ng Templo ang pintuang papasok sa unang palapag. Buhat naman dito'y may paikot na hagdang paakyat sa ikalawang palapag, at gayundin buhat sa ikalawa paakyat sa ikatlo. Nang maitayo na ni Solomon ang mga pader ng Templo, binubungan ito at nilagyan ng kisame na ipinako sa mga pahalang na posteng sedar. Dalawa't kalahating metro ang taas ng bawat palapag ng gusaling karugtong ng gilid ng Templo. Bawat palapag ay nakakabit sa kabahayan sa pamamagitan ng mga bigang sedar. Sinabi ni Yahweh kay Solomon, “Kung susundin mo ang aking mga utos at tutuparin ang aking mga tagubilin, tutuparin ko ang aking pangako sa iyong amang si David. Maninirahan akong kasama ng sambayanang Israel sa pamamagitan ng Templong ito na iyong itinatayo, at hindi ko pababayaan ang aking bayang Israel.” At tinapos nga ni Solomon ang pagpapagawa sa Templo. Binalot niya ng tabla ang loob niyon. Tablang sedar ang inilapat sa pader buhat sa sahig hanggang sa kisame at tablang sipres naman ang inilatag na sahig. Diningdingan niya ang siyam na metro mula sa silid sa kaloob-looban ng Templo na tinatawag na Dakong Kabanal-banalan. Ang lugar na ito'y nilapatan ng tablang sedar mula sa sahig hanggang sa kisame. Ang labing-walong metrong natira matapos dingdingan ang Dakong Kabanal-banalan ay tinawag namang Dakong Banal. May ukit na mga nakabukang bulaklak at mga tapayan ang tablang sedar na ibinalot sa pader ng Templo. Ang Dakong Kabanal-banalan na siyang kaloob-looban ng Templo ay inihanda niya upang paglagyan ng Kaban ng Tipan. Siyam na metro ang haba, ang luwang, at ang taas ng Dakong Kabanal-banalan, at ito'y binalot niya ng lantay na ginto. Sa harap ng Dakong Kabanal-banalan, nagtayo siya ng isang altar na yari sa tablang sedar at ito'y binalot din niya ng lantay na ginto. Binalot din ni Solomon ng lantay na ginto ang buong loob ng Templo, pati ang altar sa Dakong Kabanal-banalan. Sa loob ng Dakong Kabanal-banalan, nagpalagay siya ng dalawang kerubin, imaheng nililok sa kahoy na olibo. Apat at kalahating metro ang taas ng bawat isa. Kulang na dalawa't kalahating metro ang haba ng bawat pakpak, kaya't apat at kalahating metro ang sukat ng mga pakpak buhat sa magkabilang dulo. Apat at kalahating metro rin ang sukat ng pangalawang kerubin, iisa ang sukat at hugis ng dalawa. Apat at kalahating metro rin ang taas ng bawat kerubin. Inilagay niya ang mga kerubin sa gitna ng Dakong Kabanal-banalan. Nakabuka ang kanilang mga pakpak, at sa gawing labas ay abot sa dingding ng silid ang tig-isa nilang pakpak. Sa gawing loob naman, ang mga dulo ng tig-isa nilang pakpak ay nagtagpo sa gitna ng silid. Balot din ng gintong lantay ang dalawang kerubin. Ang buong dingding ng Templo, maging sa Dakong Kabanal-banalan at sa Dakong Banal ay may ukit na mga kerubin, punong palma at mga bulaklak. Ang sahig ng Templo buhat sa Dakong Kabanal-banalan hanggang sa Dakong Banal ay may balot na gintong lantay. May limang sulok ang pinto ng Dakong Kabanal-banalan, at kahoy na olibo ang mga hamba niyon. Tablang olibo rin ang dalawang pangsara, at may ukit itong imahen ng mga kerubin, punong palma at mga bulaklak. Ang mga pangsara'y may kalupkop na gintong kapit na kapit sa mga nakaukit na larawan. Parihaba naman ang pintuan ng Dakong Banal. Kahoy na olibo ang mga hamba ng pintong iyon, at tablang sipres naman ang mga pinto. Bawat pinto ay may tigalawang panig na natitiklop. May ukit ding mga kerubin, punong palma at mga bulaklak ang mga pinto, at may kalupkop na gintong lapat na lapat sa mga ukit. Ang bulwagang panloob sa harap ng Templo ay binakuran ni Solomon ng pader na may tatlong hanay ng batong tinabas, at isang hanay na bigang sedar. Ikalawang buwan, ng ikaapat na taon ng paghahari ni Solomon, nang ilagay ang mga pundasyong bato ng Templo. Ikawalong buwan ng taon nang matapos naman ang Templo. Noo'y ikalabing isang taon ng paghahari ni Solomon. Sa loob ng pitong taon, natapos ang buong Templo ayon sa plano. Labing-tatlong taon naman ang ginugol ni Solomon sa pagpapagawa ng kanyang palasyo. Ang gusaling tinatawag na Gubat ng Lebanon ay may apatnapu't limang metro ang haba, dalawampu't dalawa't kalahating metro ang luwang at labing-tatlo't kalahating metro ang taas. Ang gusaling ito ay may apat na hanay ng haliging sedar, na siyang kinapapatungan ng mga bigang sedar. Sedar din ang bubong ng mga silid na nakapatong sa apatnapu't limang haligi. Tatlong hanay ang mga bintana, at ang mga ito'y magkakatapat. Parihaba ang mga hamba ng mga pinto at bintana, at pawang magkakatapat. Nagpagawa rin siya ng Bulwagan ng mga Haligi na dalawampu't dalawa't kalahating metro ang haba at labing-tatlo't kalahating metro naman ang luwang. Sa pagpasok nito ay may isang pasilyong may bubong. Ang silid na kinalalagyan ng trono na tinatawag ding Bulwagan ng Katarungan at kung saan nagbibigay ng hatol si Solomon, ay may dingding, sahig at kisame na tablang sedar. Sa likod naman ng bulwagang iyon ay nagpagawa siya ng kanyang tirahan, at ang yari nito'y tulad ng silid Hukuman. Ang kanyang reyna, ang anak ng Faraon, ay ipinagtayo rin niya ng tirahan, at ito'y katulad ng sa kanya. Ang lahat ng gusali ay yari sa naglalakihang bato na tinabas ng lagari sa likod at harap. May tatlo't kalahating metro ang sukat ng mga batong ginamit sa pundasyon, at mayroon ding apat at kalahating metro. Sa paitaas naman, mamahaling batong tinabas at mga trosong sedar ang ginamit. Gaya ng portiko at patyo ng Templo, ang patyo ng palasyo ay naliligid ng tatlong hanay na batong tinabas at isang hanay na trosong sedar. Ipinatawag ni Solomon sa Tiro si Hiram, anak ng isang balo mula sa lipi ni Neftali na napangasawa ng isang manggagawa ng mga kagamitang tanso na taga-Tiro. Si Hiram ay matalinong manggagawa, at mahusay gumawa ng anumang kagamitang tanso. Siya ang ipinatawag ni Haring Solomon upang gumawa ng lahat ng kagamitang yari sa tanso. Gumawa siya ng dalawang haliging tanso. Walong metro ang taas ng mga ito at lima't kalahating metro ang sukat sa pabilog. Ang bawat haligi ay nilagyan niya ng koronang tanso na dalawa't kalahating metro ang taas. Gumawa pa siya ng dalawang palamuting animo'y kadena na pinalawit niya sa dakong ibaba ng kapitel, pitong likaw bawat kapitel. Naghulma pa siya ng mga hugis granadang tanso na inilagay niya sa ibaba at itaas ng palamuting kadena, dalawang hanay bawat korona ng haligi. Ang mga korona naman ng mga haligi ay hugis bulaklak ng liryo at dalawang metro ang taas. Sa ibaba nito nakapaligid ang mga granadang tanso, 200 bawat kapitel. Ang mga haliging ito ay itinayo sa pasilyong nasa harap ng Templo, sa magkabilang tabi ng pinto. Ang kanan ay tinawag na Jaquin at ang kaliwa'y Boaz. At sa ibabaw ng mga haligi'y nilagyan ng mga kapitel na hugis-liryo. Dito natapos ang paggawa ng mga haligi. Gumawa si Hiram ng isang malaking ipunan ng tubig apat at kalahating metro ang luwang ng labi nito, dalawa't kalahating metro ang lalim at labing-tatlo't kalahating metro naman ang sukat sa pabilog. Sa gilid nito'y nakapaikot ang palamuting hugis upo, sampu sa bawat kalahating metro. Ang mga palamuti ay nakahanay nang dalawa na kasamang hinulma ng ipunan. Ang ipunan ay ipinatong sa gulugod ng labindalawang torong tanso, na magkakatalikuran: tatlo ang nakaharap sa silangan, tatlo sa kanluran, tatlo sa hilaga at tatlo sa timog. Tatlong pulgada ang kapal ng ipunan at ang labi nito'y parang labi ng tasa, hugis bulaklak ng liryo. Ang ipunang tanso ay naglalaman ng 10,000 galong tubig. Gumawa pa siya ng sampung patungang tanso para sa mga hugasan. Bawat isa'y dalawang metro ang haba at lapad; isa't kalahating metro naman ang taas. Ang mga ito ay ginawang parisukat na dingding na nakahinang sa mga balangkas. Ang bawat dingding ay may mga nakaukit na larawan ng leon, baka, at kerubin. Ang mga gilid naman ng balangkas sa itaas at ibaba ng leon at baka ay may mga nakaukit na palamuting bulaklak na hugis korona. Ang bawat patungan ay may apat na gulong na tanso at mga eheng tanso. Sa apat na sulok ng patungan ay may apat na tukod na tanso na siyang patungan ng hugasan. Sa ibabaw ng mga tukod na ito ay may pabilog na balangkas para patungan ng hugasan at may taas na kalahating metro. Ang butas ng korona ay bilog at may 0.7 metro ang lalim. Ngunit parisukat ang ibabaw ng patungan, at ito'y may mga dibuhong nakaukit. Ang bastidor ay nakapatong sa mga ehe ng gulong. Ang mga gulong naman ay nasa ilalim ng mga dingding. Dalawampu't pitong pulgada ang taas ng mga gulong, at ang mga ito'y parang mga gulong ng karwahe; ang mga ehe, gilid, rayos at ang panggitnang bahagi ng gulong ay yaring lahat sa tanso. Ang mga tukod naman sa apat na sulok at ang patungan ay iisang piraso. Ang ibabaw ng patungan ay may leeg na pabilog, siyam na pulgada ang taas. Dito nakasalalay ang labi ng hugasan. Ang leeg, ang kanyang suporta at ang ibabaw ng patungan ay iisang piyesa lamang, at ito'y may mga disenyong kerubin, leon, baka at mga punong palma. Ganyan ang pagkayari ng sampung patungang tanso; iisa ang pagkakahulma, iisang sukat at iisang hugis. Gumawa rin siya ng sampung hugasang tanso, tig-isa ang bawat patungan. Dalawang metro ang luwang ng labi, at naglalaman ang bawat isa ng 880 litrong tubig. Inilagay niya ang lima sa gawing kaliwa at ang lima'y sa gawing kanan ng Templo. Samantala, ang tangkeng tanso ay nasa gawing kanan ng Templo, sa sulok na timog-silangan. Gumawa rin si Hiram ng mga kaldero, mga pala at mga mangkok. Natapos nga niyang lahat ang mga ipinagawa sa kanya ni Haring Solomon: ang dalawang haliging tanso, ang mga kapitel nito at mga kadenang nakapalamuti sa kapitel; ang 400 hugis granada na nakapaligid nang dalawang hanay sa puno ng kapitel; ang sampung hugasan at ang kani-kanilang mga patungan; ang tangkeng tanso at ang labindalawang toro na kinapapatungan niyon; ang mga kaldero, pala at mangkok. Ang lahat ng nasabing kagamitan na ipinagawa ni Haring Solomon kay Hiram ay purong tanso. Ipinahulma niya ang lahat ng iyon sa kapatagan ng Jordan sa isang pagawaang nasa pagitan ng Sucot at Zaretan. Hindi na ipinatimbang ni Solomon ang mga kasangkapang tanso sapagkat napakarami ng mga iyon. Nagpagawa rin si Solomon ng mga kagamitang ginto na nasa Templo ni Yahweh: ang altar na sunugan ng insenso, ang mesang patungan ng tinapay na handog; ang mga patungan ng ilawan sa harap ng Dakong Kabanal-banalan, lima sa kanan at lima sa kaliwa; ang mga palamuting bulaklak, ang mga ilawan at pang-ipit ng mitsa; ang mga tasang lalagyan ng langis, ang mga pamutol ng mitsa, ang mga mangkok, ang mga sisidlan ng insenso at lalagyan ng apoy; at ang mga paikutan ng mga pinto ng Dakong Kabanal-banalan, at gayundin ng mga pinto ng Dakong Banal. Natapos ngang lahat ang mga ipinagawa ni Solomon para sa Templo ni Yahweh. Tinipon din niya ang lahat ng ginto, pilak at kagamitang inihandog ng kanyang amang si David, at itinago sa lalagyan ng kayamanan ng Templo. Ang pinuno ng Israel at ang mga pinuno ng mga lipi at ng mga angkan ng Israel ay ipinatawag ni Solomon sa Jerusalem upang kunin ang Kaban ng Tipan sa Zion, ang lunsod ni David. Kaya nagpunta kay Solomon ang mga pinuno ng Israel noong kapistahan ng ikapitong buwan ng taon. Nang naroon na ang lahat, binuhat ng mga pari ang Kaban ng Tipan. Tinulungan sila ng mga Levita sa pagdadala ng Kaban ng Tipan, ng Tolda, at ng mga kagamitang naroroon. Hindi mabilang ang mga baka at tupang inihandog ni Haring Solomon at ng buong Israel sa harap ng Kaban ng Tipan. Pagkatapos, ipinasok ng mga pari ang Kaban ng Tipan sa Dakong Kabanal-banalan, at inilagay sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin. Nakabuka ang pakpak ng mga kerubin, kaya't nalulukuban ng mga iyon ang Kaban ng Tipan at ang mga pasanan nito. Lampas sa Kaban ang mga dulo ng pasanan, kaya't kitang-kita sa Dakong Banal, sa harap ng Dakong Kabanal-banalan; ngunit hindi nakikita sa labas. Naroon pa ang mga pasanan hanggang sa panahong ito. Walang ibang laman ang Kaban kundi ang dalawang tapyas ng batong inilagay roon ni Moises noong sila'y nasa Sinai. Ito ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng kasunduang ginawa ni Yahweh sa bayang Israel noong umalis sila sa lupain ng Egipto. Pagkalabas ng mga pari, ang Templo'y napuno ng ulap; kaya't hindi sila makapagpatuloy ng gawain sa loob. Ang Templo'y napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh. Kaya't sinabi ni Solomon: “O Yahweh, kayo ang naglagay ng araw sa langit, ngunit minabuti ninyong manirahan sa makapal na ulap. Ipinagtayo ko kayo ng isang kahanga-hangang Templo, isang bahay na titirhan ninyo habang panahon.” Pagkatapos, humarap si Solomon sa buong bayan at sila'y binasbasan. Wika niya, “Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel. Tinupad niya ang kanyang pangako kay David na aking ama. Sinabi niya noon, ‘Mula pa nang ilabas ko sa Egipto ang aking bayang Israel hanggang ngayon, hindi ako pumili ng alinmang lunsod sa labindalawang lipi upang ipagtayo ako ng Templo na kung saa'y sasambahin ang aking pangalan. Ngunit pinili ko si David upang mamuno sa aking bayan.’ “Binalak ng aking ama na ipagtayo ng Templo si Yahweh, ang Diyos ng Israel. Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, ‘Maganda ang balak mong magtayo ng Templo para sa akin, subalit hindi ikaw ang magtatayo niyon. Ang iyong magiging anak ang siyang magtatayo ng Templo para sa ikararangal ng aking pangalan.’ “Natupad ngayon ang pangako ni Yahweh. Humalili ako sa aking amang si David at naupo sa trono ng Israel, gaya ng ipinangako niya. Naitayo ko na ang Templo para sa ikararangal ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Naglaan ako roon ng lugar para sa Kaban na kinalalagyan ng Tipan na ibinigay ni Yahweh sa ating mga ninuno nang sila'y ilabas niya sa Egipto.” Pagkatapos nito, sa harapan pa rin ng buong bayan, tumayo si Solomon sa harap ng altar. Itinaas niya ang mga kamay, at nanalangin ng ganito: “Yahweh, Diyos ng Israel, sa langit at sa lupa'y walang ibang Diyos na tulad ninyo. Tapat kayo sa inyong mga pangako sa inyong mga alipin; wagas ang pag-ibig na ipinadarama ninyo sa kanila habang sila'y nananatiling tapat sa inyo. Tinupad ninyo ang inyong pangako sa aking amang si David; ang ipinangako ninyo noon ay tinupad ninyo ngayon. Kaya nga Yahweh, ipagpatuloy ninyong tuparin ang inyong pangako kay David na sa habang panahon ay magmumula sa kanyang angkan ang maghahari sa Israel, kung sila'y mananatiling tapat sa inyo gaya ng ginawa niya. Pagtibayin ninyo, Diyos ng Israel, ang mga pangakong binitiwan ninyo sa aking amang si David na inyong alipin. “Maaari bang manirahan sa lupa ang Diyos? Kung ang langit, ang kataas-taasang langit, ay di sapat na maging tahanan ninyo, ito pa kayang hamak na templo na aking itinayo! Gayunman, pakinggan ninyo ang dalangin at pagsamo ng inyong alipin, O Yahweh, aking Diyos. Dinggin ninyo sa araw na ito ang panawagan ng inyong alipin. Huwag ninyong iwaglit sa inyong paningin araw-gabi ang Templong ito, yamang kayo ang maysabi na ang pangalan ninyo'y mamamalagi rito. Sa gayon maririnig ninyo ang bawat dalangin ng inyong alipin tuwing mananalangin sa lugar na ito. “Pakinggan po ninyo ang inyong lingkod at ang inyong bayang Israel tuwing kami'y mananalanging paharap sa lugar na ito. Pakinggan ninyo kami buhat sa inyong tahanan sa langit at patawarin ninyo kami! “Kapag nagkasala sa kanyang kapwa ang isang tao, at siya'y pinanumpa sa harap ng inyong altar sa Templong ito, pakinggan ninyo sila buhat sa langit at kayo ang humatol sa kanila. Parusahan ninyo ang nagkasala at pagpalain ninyo ang walang kasalanan. “Kapag natalo ng kanilang mga kaaway ang bayan ninyong Israel dahil sa pagtalikod nila sa inyo, sa sandaling magbalik-loob sila sa inyo, kumilala sa inyong kapangyarihan, nanalangin at nanawagan sa inyo sa Templong ito, pakinggan ninyo sila at patawarin. Ibalik ninyo sila sa lupaing ibinigay ninyo sa kanilang mga ninuno. “Kapag ang langit ay nagkait ng ulan sapagkat nagkasala sa inyo ang bayang Israel, kung sila'y manalangin sa Templong ito at magpuri sa inyong pangalan, kapag sila'y nagsisi sa kanilang kasalanan sa pagkakilalang iyon ang dahilan ng inyong pagpaparusa, pakinggan ninyo sila, Yahweh. Patawarin ninyo ang inyong mga alipin, ang bayang Israel. Ituro ninyo sa kanila ang landas na dapat nilang lakaran. Ibuhos na ninyo ang ulan sa lupaing ibinigay ninyo sa inyong bayan. “Kung lumaganap sa lupain ang gutom at salot, kung malanta at matuyo ang mga halaman, kung ang mga ito'y salantain ng uod at balang, kapag ang alinman sa kanilang lunsod ay kinubkob ng kaaway, pakinggan ninyo ang kanilang dalangin. Sa sandaling sila'y magsisi at iunat ang kanilang mga kamay paharap sa lugar na ito upang tumawag at magmakaawa sa inyo, pakinggan ninyo sila mula sa langit na inyong tahanan at sila'y patawarin. Ibigay ninyo sa kanila ang nararapat sa kanilang mga gawa, sapagkat kayo lamang ang nakakaalam kung ano ang nasa puso ng mga tao. Sa gayon, mananatili silang may takot sa inyo habang sila'y nabubuhay dito sa lupaing ibinigay ninyo sa aming mga ninuno. pakinggan ninyo siya buhat sa langit na inyong tahanan, at ipagkaloob ang kanyang hinihiling. Sa gayon, makikilala ng lahat ng tao sa buong mundo ang inyong pangalan at sila'y sasamba sa inyo, tulad ng Israel. Malalaman nilang dito sa Templong ito na aking itinayo, ang inyong pangalan ay dapat sambahin. “Kapag inutusan ninyo ang inyong bayan na makipagdigma sa kanilang mga kaaway bilang pagsunod sa inyong kalooban, kapag sila'y humarap sa lunsod na ito na inyong pinili, sa Templong ito na ipinatayo ko para sa inyong karangalan, pakinggan ninyo sila at papagtagumpayin ninyo sila. “Yahweh, ang lahat po ay nagkasala. Kung ang bayang ito'y magkasala sa inyo at dahil sa galit ninyo'y pinabayaan ninyo silang mabihag ng kanilang mga kaaway sa malayo o malapit man, kung sa lupaing pinagdalhan sa kanila'y makilala nila ang kanilang kamalian at tanggapin nilang sila nga'y naging masama at nagkasala sa inyo, sa sandaling sila'y magsisi at magbalik-loob sa inyo, at mula doo'y humarap sila sa lupaing kaloob sa kanilang mga ninuno, sa lunsod na ito na inyong pinili, sa Templong ito na ipinatayo ko sa inyong pangalan, pakinggan ninyo sila mula sa tahanan ninyo sa langit at ipaglaban po ninyo sila. Patawarin ninyo ang inyong bayan sa kanilang pagkakasala sa inyo. Loobin ninyong kahabagan sila ng mga kaaway na bumihag sa kanila, sapagkat ito ang bayang inyong pinili at inilabas mula sa Egipto, ang lupaing tulad sa nagliliyab na hurno. “Lagi ninyong lingapin ang bayang Israel; lagi ninyong pakinggan ang kanilang panawagan. Kayo at wala nang iba pa ang pumili sa kanila mula sa lahat ng mga bansa sa buong mundo, upang sila'y maging inyo. Ito, Panginoong Yahweh, ang sinabi ninyo sa pamamagitan ni Moises nang hanguin ninyo sa Egipto ang aming mga ninuno.” Nakaluhod si Solomon sa harap ng altar ni Yahweh at nakataas ang mga kamay samantalang nananalangin. Nang matapos ang kanyang pananawagan kay Yahweh, tumayo siya at sa malakas na tinig ay binasbasan ang buong Israel na nagkakatipon doon. “Purihin si Yahweh! Tinupad niyang lahat ang kanyang mga pangako, at binigyan ng kapayapaan ang bayan niyang Israel. Sa lahat niyang mga pangako kay Moises, wala isa mang nasira. Sumaatin nawang lagi si Yahweh, ang ating Diyos, gaya ng ginawa niya sa ating mga ninuno. Huwag nawa niya tayong pabayaan o itakwil kailanman. Tulungan nawa niya tayong maging tapat sa kanya, upang mamuhay ayon sa kanyang kalooban, at sundin ang kanyang mga batas, tuntunin at hatol, gaya ng ipinag-utos niya sa ating mga ninuno. Manatili nawa araw-gabi sa harapan ni Yahweh itong aking panalangin upang sa bawat araw ay pagkalooban niya ng katarungan ang kanyang alipin, at ang kanyang bayang Israel ayon sa hinihingi ng pagkakataon. Sa gayon, malalaman ng lahat ng tao sa balat ng lupa na si Yahweh ay Diyos, at liban sa kanya'y wala nang iba. Manatili nga kayong tapat kay Yahweh, na ating Diyos. Sundin ninyo ang kanyang mga utos, tulad ng ginagawa ninyo ngayon.” Sa pagtitipong ito nag-alay si Solomon at ang buong Israel ng napakaraming handog. Nagpatay sila ng 22,000 baka at 120,000 tupa bilang handog na pinagsasaluhan. Sa gayong paraan ginawa ni Solomon at ng buong Israel ang pagtatalaga ng Templo ni Yahweh. Nang araw ding iyon, itinalaga ni Solomon ang bulwagan sa harap ng Templo. Doon niya inihain ang handog na susunugin, ang mga handog na pagkaing butil, at ang mga taba ng handog na pinagsasaluhan sapagkat ang altar na tanso sa harapan ng Templo ay napakaliit para sa ganoon karaming handog. Kaya nga't nang taóng iyon, natipon sa Jerusalem ang buong Israel mula sa Pasong Hamat hanggang sa Batis ng Egipto. Sa pamumuno ni Solomon, ipinagdiwang nila ang Pista ng mga Tolda sa loob ng pitong araw. Sa ikawalong araw, pinauwi na ni Solomon ang mga mamamayan. Masaya silang umuwi at binasbasan ang hari dahil sa mga pagpapalang ipinagkaloob ni Yahweh kay David na kanyang lingkod, at sa kanyang bayang Israel. Nang maipagawa na ni Solomon ang Templo ni Yahweh, ang palasyo ng hari, at ang lahat ng binalak niyang ipatayo, nagpakita muli sa kanya si Yahweh, tulad ng nangyari sa Gibeon. Sinabi sa kanya, “Ibinigay ko ang lahat ng hiniling mo sa iyong panalangin. Itinatakda kong sa Templong ito na inyong ipinatayo, dito mo ako sasambahin magpakailanman. Babantayan ko at iingatan ang Templong ito habang panahon. Kung ikaw naman ay mananatiling tapat sa akin, gaya ng iyong amang si David, kung gagawin mong lahat ang mga ipinagagawa ko sa iyo, at susundin mo ang aking mga utos at tuntunin, pananatilihin ko sa trono ng Israel ang iyong angkan. Iyan ang aking ipinangako sa iyong amang si David. Ngunit kung ikaw, o ang iyong mga anak, ay tatalikod sa akin at hindi susunod sa aking mga kautusan at batas; kapag kayo'y sumamba at naglingkod sa ibang diyos, palalayasin ko ang bayang Israel sa lupaing ibinigay ko sa kanila. Itatakwil ko ang Templong ito na aking itinuring na banal at itinakdang lugar na kung saan ako ay sasambahin. Ang Israel ay pagtatawanan at hahamakin ng lahat ng bansa. Magigiba ang Templong ito, at sinumang mapadaan dito'y mangingilabot at magtataka. Sasabihin nila, ‘Bakit ginawa ito ni Yahweh sa lupaing ito at sa Templong ito?’ At ganito ang isasagot ng mga tao: ‘Sapagkat tinalikuran nila si Yahweh, ang kanilang Diyos na nagligtas sa kanilang mga ninuno mula sa pagkaalipin sa Egipto. Sumamba sila at naglingkod sa ibang mga diyos kaya pinabayaan sila ni Yahweh na mapahamak.’” Dalawampung taon ang nagugol ni Solomon sa pagpapatayo ng Templo ni Yahweh at ng kanyang palasyo. Si Hiram, hari ng Tiro, ang nagpadala ng mga kahoy na sedar at sipres at ginto na ginamit para doon. Dahil dito, siya'y binigyan ni Solomon ng dalawampung lunsod sa lupain ng Galilea bilang kapalit. Ngunit nang dumating si Hiram mula sa Tiro upang tingnan ang mga lunsod na bigay sa kanya ni Solomon, hindi siya lubos na nasiyahan. Kaya nasabi niya, “Kapatid, bakit naman ganito ang mga lunsod na ibinigay mo sa akin?” Kaya't tinawag na Lupa ng Cabul ang mga lunsod na iyon hanggang ngayon. Nagpadala si Hiram kay Solomon ng 4,200 kilong ginto. Gumamit si Haring Solomon ng sapilitang pagtatrabaho upang maipatayo ang Templo ni Yahweh at ang kanyang palasyo, at upang patatagin ang Millo at ang mga pader ng Jerusalem, Hazor, Megido at Gezer. Ang Gezer ay dating lunsod ng mga Cananeo na sinalakay at sinakop ng Faraon, hari ng Egipto. Sinunog niya ito at pinatay ang mga tagaroon. Pagkatapos, ibinigay ng Faraon ang lunsod na ito kay Solomon bilang dote ng kanyang anak na naging reyna ni Solomon. Ngunit ito'y muling ipinatayo ni Solomon. Ipinagawa rin niya ang Beth-horon sa Timog, ang Baalat, ang Tadmor sa ilang at ang mga lunsod at bayang himpilan ng kanyang mga kabayo at karwahe. Ipinagpatuloy niya ang lahat niyang binalak ipagawa sa Jerusalem, sa Lebanon at sa lahat ng lupaing kanyang sakop. Sapilitang pinapagtrabaho ni Solomon ang mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Hivita at Jebuseo na nakatira pa sa lupain. Ito ang mga anak at apo ng mga nakaligtas nang iutos ni Yahweh sa mga Israelita na lipulin ang lahat ng lahi na daratnan nila sa lupain ng Canaan. Hindi niya isinama sa sapilitang paggawa ang mga Israelita. Sa halip ang mga ito'y ginawa niyang mandirigma, mga kawal at pinuno ng hukbo, ng kanyang kabayuhan, at ng kanyang mga karwahe. Ang bilang ng mga tagapangasiwa ni Solomon na pinamahala niya sa mga manggagawa ay 550 katao. Nang mayari na ang palasyong ipinagawa niya para sa reyna na anak ng Faraon, pinalipat niya ito mula sa Lunsod ni David. Pagkatapos, ipinagawa niya ang Millo. Taun-taon, tatlong beses na naghahandog si Solomon sa altar na itinayo niya para kay Yahweh. Nag-aalay siya ng mga handog na susunugin at mga handog na pinagsasaluhan, at nagsusunog din siya ng insenso para kay Yahweh. At natapos niya ang pagtatayo ng Templo. Nagpagawa rin si Solomon ng maraming barko sa Ezion-geber. Ang lunsod na ito ay nasa baybayin ng Dagat na Pula, sa lupain ng Edom, malapit sa Elat. Upang tulungan ang mga tauhan ni Solomon, pinadalhan siya ni Hiram ng sarili niyang mga tauhan na parang mga sanay na mandaragat. Pumunta sila sa Ofir, at pagbalik ay nag-uwi sila ng 14,700 kilong ginto at dinala nila kay Solomon. Nabalitaan ng reyna ng Seba ang katanyagan ni Solomon. Kaya't nagsadya siya upang subukin ito sa pamamagitan ng mahihirap na katanungan. Dumating siya sa Jerusalem na may kasamang maraming alalay at may dalang maraming kayamanan: mga kamelyo na may kargang iba't ibang uri ng pabango, napakaraming ginto at batong hiyas. At nang makaharap na siya ni Solomon, sinabi niya ang kanyang pakay. Sinagot naman ni Solomon ang lahat ng kanyang tanong at wala ni isa mang hindi nito naipaliwanag. Humanga ang reyna sa karunungan ni Solomon at sa palasyong ipinagawa nito. Napansin niya ang pagkain sa hapag ng hari, ang mga tirahan ng kanyang mga opisyal at ang kaayusan ng kanyang mga tauhan. Napansin din niya ang kanyang kasuotan, ang mga tagadulot niya ng inumin, ang handog na iniaalay niya sa Templo. Hangang-hanga ang reyna sa kanyang nakita. Kaya't sinabi niya sa hari, “Totoo nga palang lahat ang narinig ko tungkol sa inyo at sa inyong karunungan. Hindi ko mapaniwalaan ang mga sinasabi nila sa akin tungkol sa inyo. Ngunit ngayong nakita ko na ang lahat, napatunayan kong wala pa pala sa kalahati ang ibinalita nila sa akin. Sapagkat ang inyong karunungan ay talagang higit kaysa ibinalita nila. Napakapalad ng inyong mga asawa. Mapalad ang inyong mga tauhan sapagkat lagi nilang naririnig ang inyong karunungan! Purihin si Yahweh, ang inyong Diyos, na nagpala sa inyo at naglagay sa inyo sa trono ng Israel. Dahil sa walang katapusang pag-ibig ni Yahweh sa Israel, ginawa niya kayong hari upang mamahala dito at magpairal ng katarungan.” At ang hari'y binigyan niya ng halos 4,200 kilong ginto, at napakaraming pabango at batong hiyas. Kailanma'y hindi natumbasan sa dami ang pabangong iyon na bigay ng reyna ng Seba kay Haring Solomon. Bukod dito, ang mga barko ni Hiram na nagdadala ng ginto buhat sa Ofir ay may dala ring mga batong hiyas at napakaraming kahoy na algum. Ito ang kahoy na ginamit sa mga upuan sa Templo at sa palasyo ng hari at sa mga lira at alpa ng mga manunugtog. Wala na muling dumating o nakita pang kahoy na tulad nito mula noon hanggang ngayon. Ibinigay naman ni Haring Solomon sa reyna ng Seba ang bawat magustuhan nito, ang lahat niyang hinihingi, bukod pa sa kanyang kusang ipinagkaloob sa reyna. Pagkatapos nito'y umuwi na ang reyna pati ang kanyang mga alalay sa lupain ng Seba. Ang gintong dumarating kay Solomon taun-taon ay umaabot sa 23,310 kilo. Hindi pa kabilang dito ang buwis na galing sa mga mangangalakal, ang tubo sa pangangalakal mula sa labas ng bansa, at ang buwis na galing sa mga hari ng Arabia at sa mga gobernador ng mga lalawigan. Nagpagawa si Haring Solomon ng 200 malalaking kalasag na balot ng ginto. Umabot sa labinlimang librang ginto ang nagamit na pambalot sa bawat isa. Nagpagawa pa siya ng 300 maliliit na kalasag na may balot ding ginto. Halos apat na librang ginto ang nagamit na pambalot sa bawat isa. Ipinalagay ng hari ang mga nasabing kalasag sa palasyo, sa bulwagang tinatawag na Gubat ng Lebanon. Nagpagawa rin siya ng isang malaking tronong yari sa garing ng elepante na may mga balot ding gintong lantay. Anim na baytang ang paakyat sa trono. May ulo ng bisirong baka ang ulunan ng trono, at may patungan ng bisig sa dalawang tagiliran. May dalawang leon na nakatayo sa tabi nito, at labindalawa naman sa magkabilang dulo ng mga baytang. Kailanma'y wala pang ginawang trono na tulad nito sa alinmang kaharian. Gintong lahat ang mga inuman ng Haring Solomon, at gayundin ang mga kasangkapan sa bulwagang tinatawag na Gubat ng Lebanon. Walang kagamitang pilak dahil hindi pa ito pinahahalagahan noong panahon ni Solomon. May mga malalaking barko siya sa karagatan, kasama ng mga barko ni Hiram, at tuwing ikatlong taon ay dumarating ang mga barkong ito na may dalang ginto, pilak, garing, mga unggoy at pabo real. Si Haring Solomon ang pinakamarunong at pinakamayaman sa lahat ng mga hari sa buong mundo. Dinadayo siya ng mga tao mula sa lahat ng panig ng daigdig upang marinig ang karunungang ibinigay sa kanya ng Diyos. At ang bawat isa'y may dalang regalo sa kanya: mga sisidlang ginto at pilak, mga damit at mga sandata, mga pabango, mga kabayo, at mola. At nagpatuloy ito sa loob ng maraming taon. Nagtatag si Haring Solomon ng isang malaking hukbo na binubuo ng 1,400 karwahe at 12,000 mangangabayo. Ang mga ito'y inilagay niya sa mga bayang himpilan ng mga karwahe at sa Jerusalem upang bantayan ang hari. Sa Jerusalem, ang pilak ay naging parang bato sa dami, at ang sedaray naging kasindami ng sikamoro sa kapatagan. Galing pa sa Musri at Cilicia ang mga kabayo ni Solomon. May mga mangangalakal siyang tagapamili doon sa tiyak na halaga. Bumibili din sila ng mga karwahe sa Egipto sa halagang 600 pirasong pilak bawat isa at sa 150 piraso naman ang bawat kabayo. Ang mga ito'y ipinagbibili ng mga mangangalakal ni Solomon sa mga haring Heteo at Arameo. Umibig si Solomon sa maraming dayuhang babae. Bukod pa sa anak ni Faraon, nag-asawa siya ng mga babaing Moabita, Ammonita, Edomita, Sidonio at Heteo. Ipinagbabawal ni Yahweh sa mga Israelita ang mag-asawa sa mga banyagang ito. “Huwag kayong mag-aasawa sa mga lahing iyan sapagkat tiyak na ililigaw nila kayo at hihikayating sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan,” sabi ni Yahweh. Ngunit nahulog ang loob ni Solomon sa mga babaing ito. Ang mga asawa niyang mula sa lipi ng mga hari ay pitong daan, at ang kanya namang mga asawang-lingkod ay tatlong daan. Nang matanda na si Solomon, nahikayat siya ng mga ito na sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan. Hindi siya nanatiling tapat kay Yahweh; hindi niya sinundan ang halimbawa ni David na kanyang ama. Sumamba si Solomon kay Astarte, ang diyosa ng mga Sidonio at kay Milcom, ang karumal-dumal na diyos ng mga Ammonita. Gumawa nga ng kasamaan si Solomon laban kay Yahweh, at hindi niya sinundan ang halimbawa ng kanyang amang si David, na buong katapatang naglingkod kay Yahweh. Sa burol na nasa silangan ng Jerusalem ay nagtayo si Solomon ng sambahan para kay Cemos, ang karumal-dumal na diyos ng Moab, at para kay Molec, ang kasuklam-suklam na diyos ng mga Ammonita. Ipinagpagawa niya ng kanya-kanyang mga altar ang mga diyus-diyosan ng lahat niyang mga asawang dayuhan, at ang mga ito'y nagsunog doon ng insenso at naghain ng mga handog. Nagalit si Yahweh kay Solomon dahil sa ginawa niyang ito. Dalawang beses na nagpakita sa kanya si Yahweh at pinagbawalan siyang maglingkod sa mga diyus-diyosan. Ngunit hindi niya sinunod si Yahweh. Kaya nga't sinabi nito sa kanya, “Dahil sumira ka sa ating kasunduan at sinuway mo ang aking mga utos, aalisin ko sa iyo ang kaharian at ibibigay ko sa isang lingkod mo. Ngunit alang-alang kay David na iyong ama, hindi ko gagawin ito sa panahon ng paghahari mo, kundi sa panahon ng paghahari ng iyong anak. Isang lipi lamang ang ititira ko sa kanya alang-alang kay David na aking lingkod, at alang-alang sa Jerusalem, ang lunsod na aking pinili.” Ipinahintulot ni Yahweh na magkaroon ng kaaway si Solomon: ang Edomitang si Hadad, buhat sa lipi ng mga hari ng Edom. Nang masakop ni David ang Edom, pumunta roon si Joab, ang pinuno ng kanyang hukbo, upang ipalibing ang mga nasawi sa labanan. Anim na buwan siyang nanatili sa Edom, kasama ang buong hukbo ng Israel, at hindi sila umalis hangga't hindi nila napapatay lahat ang mga lalaki roon. Subalit si Hadad na bata pa noon ay nakatakas patungo sa Egipto sa tulong ng ilang Edomitang tauhan ng kanyang ama. Buhat sa Midian nagtungo sila sa Paran, at doo'y nakakuha sila ng ilan pang mga lalaki na isinama nila sa Egipto. Tinanggap siya ng Faraon, ang hari ng Egipto, binigyan ng bahay, lupa at lahat ng kailangan. Napamahal si Hadad sa Faraon, at napangasawa niya ang hipag nito, ang kapatid na babae ni Reyna Tafnes. Nagkaanak sila ng isang lalaki na tinawag nilang Genubat. Nang ito'y maaaring ihiwalay sa ina, ito'y kinuha ng reyna at pinalaki sa palasyo, kasama ng mga anak ng Faraon. Nang mabalitaan ni Hadad na patay na si David at pati na rin si Joab, ang pinuno ng hukbo ng Israel, nagpaalam siya sa Faraon. “Ipahintulot po ninyong umuwi ako sa aming bayan,” wika niya. “Kinukulang ka pa ba rito ng anuman at gusto mo nang umuwi sa inyo?” tanong ng Faraon. “Hindi po naman,” sagot ni Hadad. “Ngunit ipahintulot po ninyong makauwi muna ako sa amin.” May isa pang kaaway na ginamit si Yahweh laban kay Solomon: si Rezon na anak ni Eliada. Tumakas siya sa kanyang amo, si Hadadezer na hari ng Zoba. Nagtipon siya ng mga tauhan at naging pinuno ng isang pangkat ng mga tulisan. Nangyari ito nang talunin ni David si Hadadezer at pinatay ang mga kakampi nitong taga-Siria. Si Rezon at ang pangkat niya ay nanirahan sa Damasco at doo'y ginawa siyang hari ng Siria ng kanyang mga tauhan. Naging kaaway siya ng Israel sa buong panahon ng paghahari ni Solomon. Isa pa sa mga lumaban kay Solomon ay isa ring tauhan niya, si Jeroboam na anak ng Efrateong si Nebat na taga-Sereda. Ang ina niya'y si Serua na isang biyuda. Ito ang kasaysayan ng kanyang paghihimagsik laban sa hari. Ipinagagawa ni Solomon ang muog ng Millo at pinatatakpan ang mga butas sa pader ng Lunsod ng Jerusalem. Si Jeroboam ay isang lalaking may kakayahan kaya't nang makita ito ni Solomon, inilagay itong tagapamahala ng lahat ng gawaing bayan sa lupain ng angkan ni Jose. Isang araw, lumabas ng Jerusalem si Jeroboam at nasalubong niya si Ahias, ang propetang taga-Shilo. Ito'y nag-iisa, at bago ang dalang balabal. Walang anu-ano'y inalis ni Ahias ang kanyang balabal at pinagpunit-punit sa labindalawang piraso. Sabi niya kay Jeroboam, “Kunin mo ang sampung piraso sapagkat ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Hahatiin ko ang kaharian ni Solomon at ibibigay ko sa iyo ang sampung lipi. Matitira sa kanya ang isang lipi, alang-alang kay David na aking lingkod at alang-alang sa Jerusalem, ang lunsod na aking pinili mula sa lahat ng lipi ng Israel. Ginawa ko ito sapagkat tinalikuran niya ako at naglingkod siya kay Astarte, ang diyos ng mga Sidonio, kay Cemos, ang diyos ng Edom at kay Molec, ang diyos ng mga Ammonita. Hindi siya namuhay nang ayon sa kalooban ko. Hindi niya ginawa ang gusto ko, at hindi niya sinunod ang aking mga utos at tuntunin. Hindi nga niya sinundan ang halimbawa ni David. Ngunit hindi ko aalisin sa kanya ang kaharian habang siya'y nabubuhay. Pananatilihin ko siyang hari alang-alang kay David, ang aking lingkod na tumupad ng aking mga utos. Ngunit kukunin ko ang malaking bahagi ng kaharian mula sa kanyang anak, at ang sampung lipi ay ibibigay ko sa iyo. Isang lipi lamang ang ititira ko sa kanyang anak. Sa gayon, ang lingkod kong si David ay laging magkakaroon ng isang apo na maghahari sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ko upang doo'y sambahin ako. Ikaw nga ang maghahari sa Israel at ilalagay ko sa ilalim ng iyong pamamahala ang lahat ng lupang magugustuhan mo. Kung susundin mo ang lahat ng aking mga utos, kung mamumuhay ka ayon sa aking kalooban; kung ang iyong mga gawa'y magiging kalugud-lugod sa aking paningin at susundin mo ang aking mga batas at tuntunin, gaya ng ginawa ni David na aking lingkod, ako'y sasaiyo. Pananatilihin ko ang iyong angkan tulad ng ginawa ko kay David. Ibibigay ko sa iyo ang Israel, at paparusahan ko ang mga anak at apo ni David, ayon sa nararapat sa kanila. Gayunman, ito'y hindi panghabang panahon.’” Dahil dito, sinikap ni Solomon na ipapatay si Jeroboam. Ngunit ito'y nakatakas at nagpunta kay Shishak, hari ng Egipto. Nanatili siya hanggang sa pagkamatay ni Solomon. Ang iba pang kasaysayan ni Solomon, ang kanyang mga ginawa at mga karunungan ay pawang nakasulat sa Aklat ng mga Gawa ni Solomon. Naghari siya sa buong Israel sa loob ng apatnapung taon. Nang siya'y mamatay, inilibing ang kanyang bangkay sa Lunsod ni David na kanyang ama. Humalili sa kanya ang anak niyang si Rehoboam. Pumunta sa Shekem si Rehoboam sapagkat nagtipun-tipon doon ang lahat ng mga taga-Israel upang siya'y gawing hari. Nasa Egipto pa noon si Jeroboam na anak ni Nebat. Nagtago siya roon noong pinaghahanap siya ni Solomon. Nang mabalitaan ni Jeroboam ang mga pangyayari, umuwi siya mula sa Egipto. Siya'y kanilang ipinasundo mula roon. Humarap nga kay Rehoboam si Jeroboam at ang buong Israel at sinabi sa kanya, “Napakabigat po ng mga pasaning iniatang sa amin ng inyong ama. Bawasan po ninyo ang pahirap na ginawa niya sa amin; pagaanin ninyo ang pasanin na aming dinadala at paglilingkuran namin kayo.” Sumagot si Rehoboam, “Bigyan ninyo ako ng tatlong araw upang mapag-aralan ang bagay na ito, at pagkatapos bumalik kayo.” Kaya umalis muna ang mga tao. Sumangguni si Rehoboam sa matatandang tagapayo na naglingkod kay Solomon nang ito'y nabubuhay pa. Itinanong niya sa kanila kung ano ang dapat niyang gawin. At ganito ang sabi sa kanya ng matatanda: “Kapag pinagbigyan ninyo ang kanilang kahilingan at ipinakita ninyong handa kayong maglingkod sa kanila, kapag sila'y inyong pinakitunguhang mabuti, maglilingkod sila sa inyo habang panahon.” Ngunit binale-wala ni Rehoboam ang payo ng matatanda. Sa halip, nagtanong siya sa mga kababata niya na ngayo'y naglilingkod sa kanya, “Ano ang dapat kong isagot sa mga taong humihiling na pagaanin ko ang pasaning ipinataw sa kanila ng aking ama?” Ganito naman ang payo nila: “Sabihin mo sa kanila na ang iyong ama ay naging mahina; at daragdagan mo pa ang pahirap na kanyang ipinapasan sa kanila; at kung sila'y hinagupit niya ng latigo, hahagupitin mo naman sila ng mga panghampas na may tinik na bakal.” Pagkalipas ng tatlong araw, bumalik si Jeroboam at ang mga tao, ayon sa iniutos sa kanila ng hari. Salungat sa payo ng matatanda, magaspang ang sagot na ibinigay ni Rehoboam sa mga tao. Ang sinunod niya'y ang payo ng kabataan, kaya't sinabi niya, “Kung mabigat ang dalahing ipinapasan sa inyo ng aking ama, daragdagan ko pa iyan! Kung hinagupit niya kayo ng latigo, panghampas na may tinik na bakal ang ihahagupit ko sa inyo!” Hindi nga pinakinggan ng hari ang karaingan ng bayan. Sa ganitong paraan ay natupad ang sinabi ng propeta ni Yahweh na si Ahias kay Jeroboam na anak ni Nebat nang sila'y magkita sa Shilo. Nang makita ng mga taong-bayan na ayaw silang pakinggan ng hari ay sinabi nila, “Umuwi na tayo, O Israel! Ano bang mapapala natin kay David? Ano bang nagawa para sa atin ng anak ni Jesse? Pabayaan na natin ang sambahayan ni David!” Umuwi na nga sa kani-kanilang tahanan ang sampung lipi ng Israel. Ang mga naninirahan lamang sa mga lunsod ng Juda ang nanatiling sakop ni Rehoboam. Pagkatapos, pinapunta niya sa sampung lipi si Adoniram, ang tagapangasiwa ng sapilitang pagtatrabaho, ngunit ito ay pinagbabato nila hanggang mamatay. Kaya't nagmamadaling sumakay si Rehoboam sa kanyang karwahe at tumakas patungo sa Jerusalem. Magmula noon, patuloy na naghimagsik ang sampung lipi ng Israel sa paghahari ng angkan ni David. Nang marinig ng pinuno ng Israel na bumalik na si Jeroboam, siya'y ipinatawag nila sa kapulungan ng bayan at ginawang hari ng sampung lipi ng Israel. Ang lipi lamang ni Juda ang nanatili sa angkan ni David. Pagdating ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya ang mga lipi ni Juda at ni Benjamin. Nakatipon siya ng 180,000 mga sanay na mandirigma upang digmain ang sampung lipi ni Israel at bawiin ang kanyang kaharian. Subalit sinabi ni Yahweh kay Semaias na kanyang lingkod, “Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon at hari ng mga lipi ng Juda at Benjamin na huwag na nilang digmain ang sampung lipi ng Israel. Hayaan na niyang makauwi ang bawat isa sa kanya-kanyang tahanan sapagkat ang nangyari ay aking kalooban.” Sinunod naman nila ang utos ni Yahweh at sila'y umuwi sa kani-kanilang mga tahanan. Pinatibay ni Jeroboam ang Shekem sa kabundukan ng Efraim at doon siya pansamantalang nanirahan. Pagkatapos, lumipat siya sa Penuel. Naisip ni Jeroboam na kung magpapatuloy ang dating kaugalian ng kanyang mga nasasakupan, malamang na manumbalik ang mga iyon sa angkan ni David. Ito ang sabi niya sa sarili, “Kapag ang mga taong ito'y hindi tumigil ng pagpunta sa Templo ni Yahweh sa Jerusalem upang mag-alay ng mga handog, mahuhulog muli ang kanilang loob sa dati nilang pinuno, si Rehoboam na hari ng Juda, at ako'y kanilang papatayin.” Kaya't matapos pag-isipan ang bagay na ito, gumawa siya ng dalawang guyang ginto at sinabi sa mga taong-bayan, “Huwag na kayong mag-abalang pumunta sa Jerusalem. Narito, bayang Israel, ang inyong diyos na naglabas sa inyo sa Egipto.” Inilagay niya ang isa sa Bethel at ang isa nama'y sa Dan. At ang bagay na ito'y naging sanhi ng pagkakasala ng Israel. May mga pumupunta sa Bethel upang sumamba at mayroon din sa Dan. Nagtayo pa siya ng mga sambahan sa burol at naglagay ng mga paring hindi mula sa lipi ni Levi. Ginawa niyang pista ang ikalabing limang araw ng ikawalong buwan ng taon, katulad ng kapistahang ipinagdiriwang sa Juda. Naghandog siya sa altar sa Bethel sa mga guyang ginto na kanyang ginawa at naglingkod doon ang mga paring inilagay niya sa mga sagradong burol. Pumunta nga siya sa altar na kanyang ipinatayo sa Bethel noong ikalabing limang araw ng ikawalong buwan, buwan na siya ang pumili. Iyo'y ginawa niyang pista sa sampung lipi ng Israel, at siya mismo ang umakyat sa altar at nagsunog ng insenso. Samantalang nakatayo si Jeroboam sa harap ng altar sa Bethel upang maghandog, dumating mula sa Juda ang isang propeta ng Diyos. Inutusan siya ni Yahweh na sumpain ang altar na iyon. Wika niya, “Altar, O altar, pakinggan mo ang ipinapasabi ni Yahweh, ‘Isisilang sa angkan ni David ang isang lalaki na papangalanang Josias. Papatayin niya sa ibabaw mo ang mga pari ng sagradong burol na naghahandog ng mga hain sa ibabaw mo. Pagsusunugan ka niya ng mga buto ng tao.” Sinabi pa niya, “Ito ang tanda na si Yahweh ang nagpapasabi nito: ‘Magkakadurug-durog ang altar na ito at sasambulat ang mga abo na nasa ibabaw ng altar.’” Nang marinig ni Haring Jeroboam ang sumpang iyon laban sa altar ng Bethel, itinuro niya ang lingkod ng Diyos at pasigaw na iniutos; “Dakpin ang taong iyan!” Ngunit biglang nanigas ang kanyang kamay na itinuro sa lingkod ng Diyos, at hindi niya maikilos iyon. Noon di'y nagkadurug-durog ang altar at sumambulat nga ang mga abo na nasa ibabaw ng altar, gaya ng ipinahayag ng lingkod ng Diyos. Nakiusap ang hari sa lingkod ng Diyos, “Ipanalangin mo ako sa Diyos mong si Yahweh at hilingin mong magbalik sa dati ang aking kamay.” Nanalangin nga ang lingkod ng Diyos kay Yahweh, at gumaling ang kamay ng hari. Inanyayahan ng hari ang lingkod ng Diyos na sumama sa kanya at kumain sa kanyang bahay at pinangakuan pang bibigyan ng gantimpala. Ngunit tumanggi ang lingkod ng Diyos. “Kahit na po ibigay ninyo sa akin ang kalahati ng inyong kayamanan, hindi ako sasama sa inyo. Hindi rin ako kakain ng anuman dito, sapagkat sinabi sa akin ni Yahweh na huwag akong kakain o iinom ng anuman, at pag-uwi ko'y huwag akong magbabalik sa aking dinaanan.” Nag-iba nga ng daan ang propeta ng Diyos at hindi dumaan sa dinaanan niya patungo sa Bethel. Nang panahong iyon, may isang matandang propetang nakatira sa Bethel. Dumating ang kanyang mga anak na lalaki at ibinalita ang mga nangyari sa Bethel nang araw na iyon. Isinalaysay nila ang ginawa ng propeta ng Diyos at ang nangyari sa hari. “Saan siya dumaan nang siya'y umalis?” tanong ng ama. Itinuro ng mga anak ang dinaanan ng propeta ng Diyos na nanggaling sa Juda. “Ihanda ninyo ang asnong sasakyan ko,” utos ng ama. Inihanda nga ng mga anak ang asno at sumakay ang propeta. Hinabol niya ang propeta ng Diyos at inabutan niyang nagpapahinga sa lilim ng puno ng ensina. “Ikaw ba ang propeta ng Diyos na nanggaling sa Juda?” tanong niya. “Ako nga po,” sagot naman nito. “Sumama ka sa akin sa aming tahanan upang makakain,” anyaya ng matandang propeta. Sumagot naman ang propeta ng Diyos, “Hindi po ako maaaring sumama sa inyo pabalik; hindi rin po ako maaaring kumain o uminom ng anuman dito. Sapagkat ganito ang utos sa akin ni Yahweh: ‘Huwag kang kakain o iinom ng anuman doon, at huwag ka ring babalik sa iyong dinaanan.’” “Propeta rin akong tulad mo at sinabi sa akin ng isang anghel na inutusan ni Yahweh na dalhin kita sa bahay ko upang pakainin at painumin,” wika ng propeta. Ngunit nagsisinungaling lamang ang matandang propeta. Sumama nga sa kanya ang propetang galing sa Juda. Kumain siya at uminom sa bahay ng matandang propeta. Habang sila'y kumakain, dumating sa matandang propeta ang isang pahayag mula kay Yahweh. Kaya't sumigaw siya sa propetang galing sa Juda, “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Sinuway mo ang aking utos; bumalik ka sa iyong dinaanan at kumain ka at uminom dito sa lugar na ipinagbawal ko sa iyo. Dahil dito, ang bangkay mo ay hindi malilibing sa libingan ng iyong mga magulang.’” Nang sila'y makakain, naghanda ang matandang propeta ng asnong masasakyan ng propetang galing sa Juda. Sa kanyang pag-uwi, nakasalubong niya ang isang leon sa daan at siya'y pinatay nito. Nahandusay ang kanyang bangkay sa tabi ng daan at binantayan ng leon at ng asno. May mga taong napadaan doon, at nakita nila ang bangkay sa tabi ng daan at ang leong nakabantay. Ibinalita nila sa bayan ang kanilang nakita, at nakarating ang balita sa matandang propeta. Nang marinig niya ang nangyari ay kanyang sinabi, “Iyon ang propeta ng Diyos na lumabag sa iniutos sa kanya ni Yahweh. Kaya't pinabayaan siya ni Yahweh na makasalubong at lapain ng leon.” Pagkatapos, inutusan niya ang kanyang mga anak na lalaki na ipaghanda siya ng asnong masasakyan. Umalis siya at nadatnan ang bangkay sa tabi ng daan. Nakabantay sa tabi ng bangkay ang asno at ang leon. Hindi nito kinain ang bangkay at hindi rin nito ginalaw ang asno. Isinakay ng matandang propeta ang bangkay sa kanyang asno at ibinalik sa bayan upang ipagluksa at ilibing. Sa sariling libingan ng propeta inilibing ang bangkay ng propeta ng Diyos. “Kawawa ka naman, kapatid!” panaghoy niya. Nang mailibing ang bangkay, sinabi ng propeta sa kanyang mga anak na lalaki, “Kapag ako'y namatay, dito rin ninyo ako ililibing, katabi ng kanyang mga buto. Sapagkat matutupad ang mga sinabi niya, sa utos ni Yahweh, laban sa altar ng Bethel at laban sa lahat ng sagradong burol ng Samaria.” Sa kabila ng ganitong mga pangyayari, hindi tumigil si Jeroboam sa kanyang masamang gawain. Patuloy pa rin siya sa paglalagay ng mga paring hindi mula sa lipi ni Levi. Sinumang may gusto ay ginagawa niyang pari ng mga sagradong burol. Dahil sa mga kasalanang ito ni Jeroboam, naubos ang kanyang angkan at hindi na muling naghari. Nang panahong iyon, nagkasakit si Abias na anak ni Jeroboam. Kaya't sinabi ni Jeroboam sa kanyang asawa, “Magbalatkayo ka para walang makakilala sa iyo na asawa ka ng hari. Puntahan mo sa Shilo si Ahias, ang propetang nagsabi sa akin na maghahari ako sa bayang Israel. Magdala ka ng sampung tinapay, ilang bibingka, at isang garapong pulot. Sasabihin niya sa iyo kung ano ang mangyayari sa anak natin.” Ganoon nga ang ginawa ng babae. Pinuntahan niya sa Shilo si Ahias. Matandang-matanda na noon si Ahias at bulag na. Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Pupunta rito ang asawa ni Jeroboam at itatanong niya sa iyo kung ano ang mangyayari sa kanyang anak na may sakit.” Sinabi rin ni Yahweh kay Ahias kung ano ang sasabihin niya sa babae. Nang dumating ang asawa ni Jeroboam, siya'y nagkunwaring ibang babae. Subalit nang marinig ni Ahias na nasa may pintuan na ang babae, sinabi niya, “Tuloy kayo, asawa ni Jeroboam. Bakit pa kayo nagkukunwari? Mayroon akong masamang balita para sa inyo. Bumalik kayo kay Jeroboam at sabihin ninyo, ‘Ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Pinili kita mula sa mga sambayanan at ginawang pinuno ng aking bayang Israel. Inalis ko sa sambahayan ni David ang malaking bahagi ng kaharian at ibinigay sa iyo. Ngunit hindi ka tumulad kay David na aking lingkod. Tinupad niya ang lahat kong iniutos, sinunod niya ako nang buong-puso, at wala siyang ginawa kundi ang kalugud-lugod sa aking paningin. Higit ang ginawa mong kasamaan kaysa ginawa ng lahat ng mga nauna sa iyo. Tinalikuran mo ako at ginalit nang magpagawa ka ng sarili mong mga diyos, mga imaheng yari sa tinunaw na metal. Dahil dito paparusahan ko ang iyong angkan. Lilipulin ko silang lahat, matanda at bata. Wawalisin kong parang dumi ang buong angkan mo mula sa Israel. Sinumang kamag-anak mo na mamatay sa loob ng lunsod ay kakainin ng mga aso; ang mamatay naman sa bukid ay kakainin ng mga buwitre.’ Ito ang sabi ni Yahweh. “Ngayon, umuwi na kayo. Pagpasok na pagpasok ninyo sa bayan ay mamamatay ang inyong anak. Ipagluluksa siya ng buong Israel at ihahatid sa kanyang libingan. Siya lamang sa buong angkan ni Jeroboam ang maihahatid sa libingan sapagkat siya lamang ang kinalugdan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Ang Israel ay bibigyan ng Diyos ng ibang hari na siyang magwawakas sa paghahari ng angkan ni Jeroboam. Paparusahan ni Yahweh ang bayang Israel hanggang sa ito'y manginig na parang tambo sa tubig na pinapaspas ng hangin. Parang punong bubunutin niya ang bayang Israel mula sa masaganang lupaing ito na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno. Magkakawatak-watak sila sa mga lupaing nasa kabila ng ilog sapagkat ginalit nila si Yahweh nang gumawa sila ng mga imahen ng diyus-diyosang si Ashera. Pababayaan ni Yahweh ang Israel dahil sa mga kasalanang ginawa ni Jeroboam at sa mga kasalanang ipinagawa nito sa bayang Israel.” Nagmamadaling umalis ang asawa ni Jeroboam at nagbalik sa Tirza. Pagdating niya sa pintuan ng kanilang bahay, namatay ang bata. Siya'y ipinagluksa at inilibing ng buong bayang Israel, tulad ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni propeta Ahias. Ang iba pang mga ginawa ni Jeroboam—ang kanyang mga pakikidigma at kung paano siya naghari ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Naghari siya sa loob ng dalawampu't dalawang taon. Namatay siya at inilibing, at si Nadab na kanyang anak ang humalili sa kanya bilang hari. Naghari naman sa Juda si Rehoboam na anak ni Solomon. Apatnapu't isang taóng gulang siya nang nagsimulang maghari. Labimpitong taon siyang naghari sa Jerusalem, sa lunsod na pinili ni Yahweh mula sa lahat ng mga lipi ng Israel upang doo'y sambahin siya. Ang pangalan ng kanyang ina ay Naama, isang taga-Ammon. Gumawa ng kasamaan laban kay Yahweh ang sambayanan ng Juda at higit na masama ang kanilang ginawa kaysa kanilang mga ninuno. Dahil dito'y nagalit sa kanila si Yahweh. Nagtayo sila ng mga sambahan, mga haliging bato, at mga larawan ni Ashera sa ibabaw ng bawat burol at sa lilim ng bawat mayabong na punongkahoy. Ang pinakamasama pa nito, may mga lalaki at babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw sa templo bilang pagsamba. Ginawa ng mga taga-Juda ang mga kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ni Yahweh mula sa lupain noong pumasok doon ang mga Israelita. Nang ikalimang taon ng paghahari ni Rehoboam, sinalakay ni Shishak na hari ng Egipto ang Lunsod ng Jerusalem. Kinuha niya ang mga kayamanan sa Templo ni Yahweh at sa palasyo ng hari. Sinamsam niyang lahat, pati ang mga gintong kalasag na ipinagawa ni Solomon. Pinalitan ni Rehoboam ang mga iyon ng mga kalasag na tanso, at inilagay sa pag-iingat ng mga pinuno ng bantay sa hari na nagbabantay sa pintuan ng palasyo. Tuwing pupunta ang hari sa Templo ni Yahweh, dala ng mga bantay ang mga kalasag na iyon. Pagkatapos, ibinabalik ang mga kalasag sa himpilan ng mga bantay. Ang ibang mga ginawa ni Rehoboam ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. Patuloy ang labanan ni Rehoboam at ni Jeroboam sa panahon ng kanilang paghahari. Namatay si Rehoboam at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno sa Lunsod ni David. Ang ina niya'y isang Ammonita na ang pangala'y Naama. Humalili sa kanya si Abiam na kanyang anak. Noong ikalabing walong taon ng paghahari sa Israel ni Jeroboam na anak ni Nebat, naging hari naman ng Juda si Abiam na anak ni Rehoboam kay Maaca na anak ni Absalom. Tatlong taon siyang naghari, at sa Jerusalem siya nanirahan. Sumunod siya sa masasamang halimbawa ng kanyang ama, at hindi sa halimbawa ni David na kanyang ninuno. Hindi siya naging tapat kay Yahweh na kanyang Diyos. Gayunman, alang-alang kay David, ang kanyang angkan ay pinapanatili ni Yahweh na maghari sa Jerusalem. Pinagkalooban siya ng anak na lalaki na hahalili sa kanya, at iningatan sa kaaway ang Jerusalem. Ginawa ito ni Yahweh sapagkat pawang matuwid sa paningin niya ang mga gawa ni David. Sa buong buhay niya, hindi siya lumabag sa mga utos ni Yahweh, liban sa ginawa niya kay Urias na Heteo. Nagpatuloy ang alitan nina Rehoboam at Jeroboam hanggang sa panahon ni Abiam. Ang iba pang mga ginawa ni Abiam ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. Nang mamatay si Abiam, siya'y inilibing sa Lunsod ni David at ang anak niyang si Asa ang humalili sa kanya bilang hari. Noong ikadalawampung taon ng paghahari ni Jeroboam sa Israel, naging hari naman ng Juda si Asa. Naghari siya sa loob ng apatnapu't isang taon, at sa Jerusalem siya nanirahan. Ang lola ni Asa na si Maaca ay anak ni Absalom. Namuhay si Asa nang matuwid sa paningin ni Yahweh, tulad ng kanyang ninunong si David. Pinalayas niya sa kaharian ang mga lalaki at babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw sa mga sambahan ng mga diyus-diyosan, at winasak ang mga imahen ng mga diyus-diyosang ipinagawa ng mga haring nauna sa kanya. Pati ang kanyang lolang si Maaca ay inalisan niya ng karapatan sa pagiging inang-reyna, sapagkat nagpagawa ito ng isang malaswang rebulto ni Ashera. Ipinagiba niya ang rebultong ito at ipinasunog sa Batis ng Kidron. Bagama't hindi niya naipagiba lahat ang mga sagradong burol, si Asa ay habang buhay na naging tapat kay Yahweh. Ipinasok niya sa Templo ang mga handog ng kanyang ama kay Yahweh, gayundin ang kanyang sariling handog na ginto, pilak at mga kasangkapang sagrado. Patuloy ang alitan nina Asa at Baasa na hari ng Israel sa buong panahon ng kanilang paghahari. Pinasok ni Baasa ang lupain ng Juda at nagtayo ng kuta sa Rama upang harangan ang daan papunta kay Asa. Kaya't tinipon ni Asa ang nalalabing ginto't pilak sa kabang-yaman ng Templo at ng palasyo. Ipinadala iyon sa Damasco, kay Ben-hadad na anak ni Tabrimon at apo ni Hezion na hari ng Siria. Ganito ang kanyang ipinasabi: “Nais kong maging magkakampi tayo tulad ng ating mga magulang. Tanggapin mo ang mga regalo kong ito. Hinihiling kong putulin mo ang iyong pakikipagkaibigan kay Baasa na hari ng Israel upang mapilitan siyang umalis sa aking nasasakupan.” Sumang-ayon si Ben-hadad kay Haring Asa at nagpadala siya ng mga hukbo at ng mga pinuno nito upang salakayin ang mga lunsod ng Israel. Nasakop nila ang mga bayan ng Ijon, Dan, Abel-bet-maaca, ang lupain sa may Lawa ng Galilea at ang Neftali. Nang mabalitaan ito ni Baasa, ipinatigil niya ang pagpapagawa ng kuta sa Rama at pumunta siya sa Tirza. Iniutos naman ni Asa sa lahat ng mga taga-Juda na kunin ang mga bato at kahoy na ginamit ni Baasa sa pagtatayo ng kuta sa Rama, at ginamit iyon sa paggawa ng kuta sa Geba at Mizpah, sa lupain ng Benjamin. Ang iba pang ginawa ni Haring Asa, ang kanyang kagitingan at mga bayang pinagawan niya ng kuta ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. Ngunit nang siya'y matanda na, nalumpo siya dahil sa karamdaman sa paa. Namatay si Asa at inilibing sa libingan ng mga hari sa Lunsod ni David. At si Jehoshafat na kanyang anak ang humalili sa kanya bilang hari. Nang ikalawang taon ng paghahari ni Asa sa Juda, naging hari naman sa Israel si Nadab na anak ni Jeroboam, at dalawang taon siyang naghari sa Israel. Katulad ng kanyang ama na nagbulid sa Israel sa pagkakasala, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Naghimagsik laban sa kanya si Baasa na anak ni Ahias, mula sa lipi ni Isacar. Pinatay ni Baasa si Nadab habang kinubkob nito at ng kanyang hukbo ang Gibeton, isang lunsod sa Filistia. Nangyari ito nang ikatlong taon ng paghahari ni Asa sa Juda, at si Baasa ang pumalit kay Nadab bilang hari sa Israel. Sa simula pa lamang ng kanyang paghahari ay pinagpapatay na niya ang buong pamilya ni Jeroboam, bilang katuparan ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni propeta Ahias na taga-Shilo. Ganito ang nangyari sa angkan ni Jeroboam sapagkat ginalit niya si Yahweh dahil sa kanyang mga kasalanan, at sa mga kasalanang ginawa ng bayang Israel dahil sa kanya. Ang iba pang mga ginawa ni Nadab ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Patuloy ang alitan ni Asa, hari ng Juda at ni Baasa ng Israel sa buong panahon ng kanilang paghahari. Ikatlong taon ng paghahari ni Asa sa Juda nang maghari sa Israel si Baasa, na anak ni Ahias. Dalawampu't apat na taon siyang naghari, at sa Tirza siya nanirahan. Katulad ni Haring Jeroboam na nagbulid sa Israel sa pagkakasala, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Isinugo ni Yahweh ang propetang si Jehu na anak ni Hanani kay Baasa at ganito ang ipinasabi: “Pinili kita at ginawang hari ng bayan kong Israel. Ngunit sinundan mo ang halimbawa ni Jeroboam at ibinunsod mo sa pagkakasala ang bayan ko. Kaya't itatakwil din kita at ang iyong angkan, gaya nang ginawa ko kay Jeroboam. Sinuman sa iyong angkan ang mamatay sa loob ng bayan ay kakainin ng mga aso; at sinumang mamatay sa bukid ay kakainin ng mga buwitre.” Ang iba pang mga ginawa ni Baasa at ang kanyang kagitingan ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Namatay si Baasa at inilibing sa Tirza. Ang anak niyang si Ela ang humalili sa kanya bilang hari. Sinugo ni Yahweh ang propetang si Jehu upang ipahayag kay Baasa at sa kanyang pamilya ang kanyang hatol laban sa hari. Gayundin naman, dahil sa kanyang pagsunod sa mga kasalanan ni Jeroboam, nilipol din niya ang buong angkan nito. Naging hari ng Israel si Ela na anak ni Baasa noong ika-26 na taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Dalawang taon siyang naghari at sa Tirza nanirahan. Pinagtaksilan siya ni Zimri na pinuno ng kalahati ng hukbong gumagamit ng karwahe. Samantalang lasing si Ela sa bahay ni Arsa na tagapamahala ng palasyo sa Tirza, pumasok si Zimri sa palasyo at pinatay si Ela at siya ang pumalit na hari. Nangyari ito noong ika-27 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Simula pa lamang ng paghahari ni Zimri, pinatay na niyang lahat ang buong pamilya ni Baasa. Ipinapatay niya ang lahat ng lalaking kamag-anak at mga kaibigan ni Baasa. Nilipol nga niya ang buong angkan ni Baasa ayon sa sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ng propetang si Jehu. Nagalit si Yahweh, ang Diyos ng Israel, kina Baasa at Ela sapagkat ibinunsod nila ang Israel sa pagkakasala at pagsamba sa mga diyus-diyosan. Ang iba pang ginawa ni Haring Ela ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Naging hari naman ng Israel si Zimri noong ika-27 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Naghari siya sa Tirza sa loob lamang ng pitong araw. Pinalibutan at nilusob noon ng hukbong Israel ang lunsod ng Gibeton sa Filistia at nang mabalitaan nila ang pagtataksil ni Zimri at ang pagkamatay ng hari, pinagkaisahan nilang gawing hari si Omri, ang pinuno ng hukbo. Iniwan nga nila ang Gibeton, at kinubkob ang Tirza. Nang makita ni Zimri na mahuhulog na ang bayan sa kamay ng kalaban, nagkulong siya sa kastilyo ng palasyo at sinindihan iyon. Kaya't kasama siyang nasunog doon. Nangyari ito sapagkat hindi rin kinalugdan ni Yahweh ang mga ginawa ni Zimri. Ibinunsod niya ang Israel sa pagkakasala tulad ng ginawa ni Jeroboam. Ang iba pang ginawa ni Zimri, pati ang kanyang pakikipagsabwatan upang agawin ang trono, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Pagkamatay ni Zimri, nahati ang Israel sa dalawang pangkat. Pumanig ang isa kay Omri, ngunit si Tibni na anak ni Ginat ang pinili ng ikalawa. Ngunit nagtagumpay din ang pangkat ni Omri. Napatay si Tibni, at si Omri ang naging hari. Si Omri ay naging hari ng Israel noong ika-31 taon ng paghahari ni Asa sa Juda at labindalawang taon siyang naghari. Tumira siya sa Tirza sa loob ng anim na taon. Pagkatapos, binili niya kay Semer ang isang bundok sa halagang pitumpung kilong pilak. Nagtayo siya roon ng isang lunsod na tinawag niyang Samaria, hango sa salitang Semer, pangalan ng binilhan niya ng bundok. Ginawa rin ni Omri ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Naging masahol pa nga siya sa mga nauna sa kanya. Tumulad siya kay Jeroboam na anak ni Nebat. Ibinunsod din niya ang mga Israelita sa pagsamba sa mga diyus-diyosan, kaya't nagalit sa kanila si Yahweh. Ang iba pang ginawa ni Omri at ang kanyang katapangan ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Namatay si Omri at inilibing sa Samaria. Humalili sa kanya bilang hari ang anak niyang si Ahab. Nagsimulang maghari sa Israel si Ahab na anak ni Omri noong ika-38 taon ng paghahari ni Asa sa Juda. Sa Samaria siya nanirahan, at naghari sa loob ng dalawampu't dalawang taon. Higit sa lahat ng nauna sa kanya ang kasamaang ginawa niya sa paningin ni Yahweh. Hindi pa siya nasiyahang ipagpatuloy ang ginawa ni Jeroboam. Pinakasalan din niya si Jezebel na anak ni Et-baal, hari ng Sidon. At mula noon, naglingkod siya at sumamba kay Baal. Nagpatayo siya ng templo para kay Baal sa Samaria. Nagpagawa siya ng altar at ipinasok doon ang ginawa niyang rebulto ni Ashera. Ang mga pagkakasalang ginawa niya'y higit na masama sa ginawa ng mga haring nauna sa kanya. Sa panahon niya, muling itinayo ni Hiel na taga-Bethel ang lunsod ng Jerico. Ngunit nang ilagay ang pundasyon nito, buhay ng panganay niyang si Abiram ang kanyang ibinuwis. At nang itayo ang pintuan, buhay naman ng kanyang bunsong si Segub ang naging kabayaran. Sa ganon, natupad ang sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Josue na anak ni Nun. Si Elias ay isang propetang taga-Tisbe sa Gilead. Sinabi niya kay Ahab, “Saksi si Yahweh, ang buháy na Diyos ng Israel na aking pinaglilingkuran, hindi uulan, ni hindi magkakahamog sa mga darating na taon hangga't hindi ko sinasabi.” Pagkatapos, sinabi ni Yahweh kay Elias, “Umalis ka rito at magtago ka sa batis ng Carit, sa silangan ng Jordan. Maiinom mo ang tubig sa batis at may inutusan akong mga uwak na maghahatid sa iyo ng pagkain.” Sinunod nga ni Elias ang sinabi ni Yahweh. Lumakad siya at nanirahan sa may batis ng Carit, sa silangan ng Jordan. Umaga't hapon, may mga uwak na nagdadala sa kanya ng pagkain, at sa batis naman siya umiinom. Ngunit dumating ang panahon na natuyo na rin ang batis. Kaya sinabi sa kanya ni Yahweh, “Umalis ka rito. Pumunta ka sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. May inutusan akong isang biyuda na magpapakain sa iyo roon.” Pumunta nga siya roon, at nang papasok na siya ng pintuan ng lunsod, nakita niya ang biyuda na namumulot ng panggatong. Sinabi niya sa babae, “Maaari po bang makiinom?” Aalis na ang babae upang ikuha siya ng tubig nang pahabol niyang sabihin, “Kung maaari, bigyan mo na rin ako ng kapirasong tinapay.” Sumagot ang babae, “Saksi si Yahweh, ang inyong buháy na Diyos na wala na kaming tinapay. Mayroon pa kaming kaunting harina at ilang patak na langis. Namumulot nga ako ng panggatong upang lutuin iyon at makakain man lamang kami ng anak ko bago kami mamatay.” Sinabi sa kanya ni Elias, “Huwag kang mag-alala. Pumunta ka na at gawin mo ang iyong sinabi. Ngunit ipagluto mo muna ako ng isang maliit na tinapay, at pagkatapos magluto ka ng para sa inyo. Sapagkat ganito ang sabi ni Yahweh, Diyos ng Israel: Hindi ninyo mauubos ang harina sa lalagyan, at hindi rin matutuyo ang langis sa tapayan hanggang hindi sumasapit ang takdang araw na papatakin na ni Yahweh ang ulan.” Ginawa nga ng babae ang utos ni Elias at hindi naubos ang pagkain ni Elias at ng mag-ina sa loob ng maraming araw. Hindi nga naubos ang harina sa lalagyan, at hindi rin natuyo ang langis sa sisidlan, tulad ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Elias. Hindi nagtagal at nagkasakit ang anak ng biyuda. Lumubha ang sakit ng bata hanggang sa ito'y mamatay. Kaya't sinabi ng babae kay Elias, “Anong ikinagagalit ninyo sa akin, lingkod ng Diyos? Naparito ba kayo upang ako'y sumbatan sa aking mga kasalanan at patayin ang aking anak?” “Akin na ang bata,” sabi ni Elias. At kinuha niya ang bata, ipinanhik sa itaas, sa silid na kanyang tinutuluyan. Inilagay niya ang bata sa kanyang higaan at nanalangin, “Yahweh, aking Diyos, ito ba ang inyong igaganti sa babaing nagmagandang-loob sa akin?” Tatlong beses siyang dumapa sa bata at nanalangin ng ganito: “Yahweh, aking Diyos, hinihiling ko pong muli ninyong buhayin ang batang ito.” Dininig ni Yahweh ang dalangin ni Elias at muling nabuhay ang bata. Inakay ni Elias ang bata, at ibinalik sa kanyang ina saka sinabing, “Narito ang anak mo, buháy na siya.” At sumagot ang babae, “Tiyak ko na ngayon na kayo nga ay isang lingkod ng Diyos, at nagsasalita si Yahweh sa pamamagitan ninyo.” Pagkalipas ng ilang panahon, nang ikatlong taon na ng tagtuyot, sinabi ni Yahweh kay Elias, “Pumunta ka na kay Ahab. Malapit na akong magpadala ng ulan sa lupaing ito.” At nagpunta nga si Elias kay Ahab. Napakatindi noon ng taggutom sa Samaria, kaya ipinatawag ni Ahab si Obadias, ang tagapangasiwa ng palasyo. Si Obadias ay may takot kay Yahweh. Nang kasalukuyang ipinapapatay ni Jezebel ang mga propeta ni Yahweh, nailigtas ni Obadias ang sandaan sa mga ito. Itinago niya ang mga ito sa isang yungib, tiglilimampu ang bawat pangkat, at binigyan niya ng pagkain at tubig. Sinabi ni Ahab kay Obadias, “Tayo na! Galugarin natin ang buong lupain at tingnan ang bawat ilog at libis. Baka makakita tayo roon ng sapat na damo upang huwag mamatay sa gutom ang ating mga kabayo, mola at baka.” Naghiwalay sila sa paghahanap ng pagkain sa buong kaharian: si Ahab sa isang panig at si Obadias naman sa kabila. Sa paglalakbay ni Obadias, nakasalubong niya si Elias. Nakilala niya ang propeta, kaya't nagpatirapa siya at sinabi, “Kayo nga ba iyan, mahal na propetang Elias?” “Ako nga,” sagot naman nito. “Pumunta ka sa iyong panginoong si Ahab at sabihin mong narito ako.” Ganito naman ang sagot ni Obadias: “Ano pong kasalanan ang nagawa ko sa inyo at gusto ninyo akong mapatay ni Ahab? Saksi si Yahweh, ang inyong buháy na Diyos, hinahanap kayo ni Haring Ahab sa bawat bansa sa daigdig. At kapag may nagsabing wala kayo roon, ayaw niyang maniwala hangga't hindi sila nanunumpa na kayo'y talagang hindi nila nakita. At ngayo'y pinapapunta ninyo ako sa kanya para sabihing narito kayo? Ano ngayon ang mangyayari? Sa sandaling ako'y umalis upang sabihin kay Ahab na narito kayo ay dadalhin naman kayo ng Espiritu ni Yahweh sa lugar na hindi ko alam. At kapag hindi nila kayo nakita, ako ang kanyang papatayin. Maawa kayo sa akin, sapagkat ako po naman ay may takot kay Yahweh mula pa sa pagkabata. Hindi po ba ninyo nababalitaan na may sandaang propeta ni Yahweh ang aking iniligtas noong sila'y gustong patayin ni Jezebel? Itinago ko sila sa isang yungib, tiglilimampu bawat pangkat, at dinalhan ko sila roon ng pagkain at tubig. At ngayon, pinapapunta ninyo ako kay Ahab upang sabihing narito kayo? Tiyak na papatayin niya ako.” Ngunit sinabi sa kanya ni Elias: “Saksi si Yahweh, ang buháy na Makapangyarihan sa lahat, haharap ako kay Ahab sa araw na ito.” Hinanap nga ni Obadias si Ahab at sinabi ang lahat ng ipinapasabi ni Elias. At lumakad si Ahab upang salubungin ang propeta. Nang makita ni Ahab si Elias ay sinabi nito, “Ikaw nga ba iyan, ang nanggugulo sa Israel?” “Hindi ako ang nanggugulo sa Israel, kundi kayo at ang angkan ng inyong ama. Sapagkat sinusuway ninyo ang mga utos ni Yahweh at ang pinaglilingkuran ninyo'y ang mga imahen ni Baal. Ngayo'y tipunin ninyo ang buong Israel at ang 450 propeta ni Baal at 400 propeta ni Ashera na pinapakain ni Jezebel, at magtutuos kami sa Bundok ng Carmel,” sagot ni Elias. Tinipon nga ni Ahab sa Bundok ng Carmel ang buong bayang Israel at ang mga propeta ni Baal. Lumapit si Elias at sinabi sa taong-bayan, “Hanggang kailan pa kayo mag-aalinlangan? Kung si Yahweh ang tunay na Diyos, siya ang sundin ninyo; at kung si Baal naman, kay Baal kayo maglingkod.” Hindi umimik ang bayan. Muling nagsalita si Elias, “Ako na lang ang natitira sa mga propeta ni Yahweh, samantalang may apatnaraan at limampu ang mga propeta ni Baal. Magdala kayo rito ng dalawang toro. Hayaan ninyong ang isa sa mga ito ay patayin ng mga propeta ni Baal, at pagkatapos ay katayin at ilagay sa ibabaw ng mga kahoy. Huwag ninyong sisindihan. Gayundin naman ang gagawin ko sa isa pang toro. Pagkatapos, tawagin ninyo ang inyong diyos at tatawagin ko naman si Yahweh. Ang diyos na tumugon sa pamamagitan ng apoy, ang siyang tunay na Diyos.” At sumagot ang bayan, “Sang-ayon kami!” Sinabi naman ni Elias sa mga propeta ni Baal, “Sapagkat kayo ang marami, pumili na kayo ng isang toro at ihanda na ninyo. Pagkatapos, tawagin ninyo ang inyong diyos, ngunit huwag ninyong sisindihan ang kahoy.” Kinuha nga nila ang isa sa mga toro at inihanda ito. Mula umaga hanggang tanghali, tinawagan nila si Baal. “Baal, Baal, pakinggan mo kami,” sigaw nila, samantalang pasayaw-sayaw sa paligid ng altar na itinayo nila. Ngunit walang sumasagot. Nang katanghalian na'y hinamak na sila ni Elias. Sabi niya, “Lakasan pa ninyo! Isa siyang diyos, di ba? Baka nagbubulay-bulay pa siya, o kaya'y nasa palikuran! O baka naman may pinuntahan lang. O baka natutulog kaya't kailangang gisingin!” Lalo nga nilang inilakas ang kanilang sigaw. Hiniwaan pa nila ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng kutsilyo at punyal tulad ng kanilang kaugalian hanggang sa maging duguan sila. Patuloy silang nagsigawan at nag-ungulan hanggang inabot sila ng hapon ngunit wala pa ring tinig o anumang sagot. Nagsalita si Elias sa buong bayan, “Lumapit kayo sa akin.” At nagsilapit ang lahat. Inayos niya ang altar ni Yahweh na matagal nang gumuho. Kumuha siya ng labindalawang bato, katumbas ng bilang ng mga lipi ni Jacob na binigyan ni Yahweh ng pangalang Israel. Ang mga bato'y ginawa niyang altar para kay Yahweh. Pinaligiran niya iyon ng isang kanal na maaaring maglaman ng dalawang baldeng tubig. Isinalansan niya ang mga kahoy, kinatay ang toro at ipinatong sa kahoy. Pagkatapos, sinabi niya, “Kumuha kayo ng apat na bangang tubig at ibuhos sa handog at sa kahoy.” Ganoon nga ang ginawa nila. “Buhusan pa ninyo,” sabi ni Elias. At binuhusan nila. “Isa pang buhos,” utos uli ni Elias. Tatlong beses nga nilang binuhusan ang handog hanggang sa umagos ang tubig sa paligid ng altar at umapaw sa kanal. Nang ikatlo na ng hapon na siyang oras ng paghahandog, tumayo si Elias sa harap ng altar at nanalangin, “Yahweh, Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob, patunayan po ninyo ngayon na talagang kayo ang Diyos ng Israel, at ako ay inyong lingkod, at ginawa ko ang lahat ng ito sapagkat ito ang inyong utos. Pakinggan po ninyo ako, Yahweh, upang malaman ng bayang ito na kayo lang ang Diyos at nais ninyo silang magbalik-loob.” Noon di'y nagpababa ng apoy si Yahweh at tinupok ang handog, ang kahoy at ang mga bato at lupa sa paligid. Pati ang tubig sa kanal ay natuyo. Nang makita ng mga tao ang nangyari, nagpatirapa sila at sumigaw, “Si Yahweh ang Diyos! Si Yahweh lang ang Diyos!” Iniutos ni Elias, “Hulihin ninyo ang mga propeta ni Baal; huwag ninyong hayaang may makatakas sa kanila!” Hinuli nga sila ng mga mamamayan at dinala ni Elias sa batis ng Kison, at pinagpapatay doon. Sinabi ni Elias kay Ahab, “Lumakad ka na! Maaari ka nang kumain at uminom. Naririnig ko na ang pagbuhos ng ulan.” Samantalang si Ahab ay kumakain at umiinom, umakyat si Elias sa taluktok ng Bundok Carmel at sumubsob sa lupa. Sinabi niya sa kanyang utusan, “Umakyat ka at tanawin mo ang dagat.” Umakyat nga ang utusan at tumanaw sa dagat. “Wala po akong makitang anuman,” wika ng utusan. “Pitong beses mo pang gawin ang sinabi ko,” utos ni Elias. Sa ikapitong pagtanaw, napasigaw ang utusan, “May nakikita po akong ulap kasinlaki ng palad na tumataas mula sa dagat.” “Magmadali ka!” sabi ni Elias. “Sabihin mo kay Ahab na ihanda ang kanyang karwahe at umuwi na agad. Baka siya'y hindi makaalis dahil sa ulan.” Hindi nagtagal at nagdilim ang langit sa kapal ng ulap, lumakas ang hangin at biglang bumuhos ang malakas na ulan. Sumakay si Ahab sa karwahe at nagmamadaling nagtungo sa Jezreel. Lumukob kay Elias ang kapangyarihan ni Yahweh. Hinigpitan ni Elias ang pagkatali sa kanyang damit at tumakbo sa unahan ng karwahe ni Ahab hanggang sa pagpasok sa Jezreel. Sinabi ni Haring Ahab sa kanyang asawang si Jezebel ang lahat ng ginawa ni Elias at kung paano pinatay ni Elias ang lahat ng mga propeta ni Baal. Kaya't nagpadala si Jezebel ng isang sugo upang sabihin kay Elias, “Patayin sana ako ng mga diyos kung hindi ko gagawin sa iyo sa ganito ring oras ang ginawa mo sa mga propeta.” Natakot si Elias na mamatay, kaya't umalis siya at nagpunta sa Beer-seba, sa lupain ng Juda, kasama ang kanyang utusan. Iniwan niya roon ang kanyang utusan at mag-isang pumunta sa ilang. Pagkatapos ng maghapong paglalakad ay naupo siya sa lilim ng isang puno at nanalangin nang ganito: “Yahweh, kunin na po ninyo ako. Ako po'y hirap na hirap na. Mabuti pa pong mamatay na ako.” Pagkatapos, nahiga siya at nakatulog. Ngunit dumating ang isang anghel, kinalabit siya nito at ang sabi, “Gising na at kumain ka!” Nang siya'y lumingon, nakita niya sa may ulunan ang isang tinapay na niluto sa ibabaw ng mainit na bato, at tubig sa isang lalagyan. Kumain nga siya at uminom. Pagkatapos ay nahiga muli. Ngunit bumalik ang anghel ni Yahweh, ginising siya muli at sinabi, “Bumangon ka at kumain. Napakahaba pa ng lalakarin mo.” Kumain nga siyang muli at uminom. At ang pagkaing iyo'y nagbigay sa kanya ng sapat na lakas upang maglakbay ng apatnapung araw at apatnapung gabi hanggang sa Sinai, ang Bundok ng Diyos. Pumasok siya sa isang yungib at doon nagpalipas ng gabi. Walang anu-ano'y nagsalita sa kanya si Yahweh, “Anong ginagawa mo rito, Elias?” Sumagot si Elias, “Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ikaw lang po ang pinaglingkuran ko sa tanang buhay ko. Subalit sinira po ng bayang Israel ang kanilang kasunduan sa inyo. Winasak nila ang inyong mga altar, at pinatay ang inyong mga propeta. Ako na lamang ang natitira, at pinaghahanap nila ako upang patayin din.” Ganito ang sagot sa kanya: “Lumabas ka at tumayo sa ibabaw ng bundok sa harapan ko.” Pagkasabi nito'y dumaan si Yahweh at umihip ang napakalakas na hangin. Sumabog ang bundok at nagkadurug-durog ang mga bato sa lakas ng hangin ngunit wala sa hangin si Yahweh. Nang tumigil ang hangin ay lumindol, ngunit wala sa lindol si Yahweh. Pagkalipas ng lindol ay kumidlat, ngunit wala rin sa kidlat si Yahweh. Pagkalipas ng kidlat, narinig niya ang isang banayad na tinig. Lumabas si Elias, tinakpan ng balabal ang kanyang mukha at naghintay sa bunganga ng kuweba. Narinig niya ang isang tinig na nagsabi, “Elias, anong ginagawa mo rito?” Sumagot siya, “Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ikaw lamang po ang pinaglingkuran ko sa tanang buhay ko. Subalit sinira po ng bayang Israel ang kanilang kasunduan sa iyo. Winasak nila ang inyong mga altar, at pinatay ang inyong mga propeta. Ako na lamang ang natitira, at pinaghahanap nila ako upang patayin din.” Sinabi sa kanya ni Yahweh, “Bumalik ka sa ilang na malapit sa Damasco. Pagkatapos, pumasok ka sa lunsod at buhusan mo ng langis si Hazael bilang hari ng Siria; at si Jehu na anak ni Nimsi bilang hari naman ng Israel. Buhusan mo rin ng langis si Eliseo na anak ni Safat na taga-Abel-mehola bilang propeta na hahalili sa iyo. Ang makaligtas sa tabak ni Hazael ay papatayin ni Jehu. Ang makaligtas naman sa tabak ni Jehu ay papatayin ni Eliseo. Ngunit pitong libo sa Israel ang ililigtas ko, ang mga taong hindi lumuluhod kay Baal at hindi humahalik sa kanyang imahen.” Umalis si Elias at natagpuan niya si Eliseo na nag-aararo. Labindalawang pares ng toro ang ginagamit niya, at kaagapay siya ng huling pares. Pagdaan ni Elias sa tapat ni Eliseo, inalis ni Elias ang kanyang balabal at ibinalabal kay Eliseo. Iniwan naman ni Eliseo ang mga toro, humabol kay Elias at nakiusap, “Magpapaalam po muna ako sa aking ama't ina, at pagkatapos ay sasama na ako sa inyo.” Sumagot naman si Elias, “Sige, umuwi ka muna.” Umuwi nga si Eliseo. Nagpatay siya ng isang pares na toro at iniluto. Ginamit niyang panggatong ang mga pamatok at mga araro. Ipinakain niya ito sa mga tao, at sumunod kay Elias at naging lingkod nito. Tinipon ni Ben-hadad, hari ng Siria, ang kanyang hukbo upang salakayin ang Samaria. Kasama sa hukbong ito ang tatlumpu't dalawang haring sakop niya, at ang kanilang mga kabayo at karwaheng pandigma. Nagpadala siya ng mga sugo kay Ahab, hari ng Israel, at ipinasabi ang ganito: “Ipinag-uutos ni Ben-hadad na ibigay mo sa kanya ang iyong ginto't pilak; ang inyong mga babae at ang pinakamalalakas na mga anak!” Sumagot ang hari ng Israel, “Masusunod po ang sabi ninyo, mahal kong hari at panginoon. Ako at ang lahat ng sa akin ay ituring mong sa iyo.” Ngunit bumalik kay Ahab ang mga sugo at ganito naman ang sabi: “Ipinapasabi ni Ben-hadad na ibigay mo sa kanya ang iyong ginto at pilak, pati ang iyong mga asawa at anak. Tandaan mo, bukas sa ganitong oras, darating ang kanyang mga tauhan upang halughugin ang iyong palasyo, at ang mga bahay ng mga tauhan mo. Kukunin nila ang kanilang magustuhan.” Tinipon ng hari ng Israel ang lahat ng matatandang pinuno sa kaharian at sinabi, “Tingnan ninyo! Maliwanag na gusto tayong lipulin ng taong iyan. Pumayag na nga akong ibigay sa kanya ang lahat ng aking ginto't pilak, pati ang aking mga asawa at mga anak.” Sumagot ang matatandang pinuno at ang buong bayan, “Huwag ninyo siyang pansinin. Huwag po kayong papayag.” Kaya't ganito ang sagot ni Ahab sa mga sugo ni Ben-hadad: “Sabihin ninyo sa mahal na hari, lahat ng iniutos ninyo noong una sa inyong alipin ay gagawin ko. Ngunit itong huli ay hindi ko magagawa.” At umalis ang mga sugo, dala ang ganoong sagot. Nagpasabi muli si Ben-hadad, “Magpapadala ako ng mga tauhang wawasak sa lunsod mong ito, at tatangayin nila ang mga nasira nilang bagay. Parusahan sana ako ng mga diyos kung hindi ko ito gagawin!” Sumagot ang hari ng Israel, “Sabihin mo kay Haring Ben-hadad na ang tunay na sundalo ay hindi nagyayabang hangga't hindi pa natatapos ang labanan. Nasa kanyang tolda noon si Ben-hadad at nakikipag-inuman sa mga haring kasama niya. Pagkarinig sa sagot na iyon ay sumigaw si Ahab, “Salakayin! Salakayin ang kaaway!” At humanda ang bawat isa sa pakikipaglaban. Samantala, dumating noon ang isang propeta at sinabi kay Haring Ahab ng Israel, “Ipinapasabi ni Yahweh na huwag kang matakot sa napakalaking hukbong iyan. Sa araw na ito ay pagtatagumpayin kita laban sa kanila at malalaman mong ako nga si Yahweh.” “Sino ang sasalakay?” tanong ni Ahab. Sumagot ang propeta, “Ang mga kabataang kawal na nasa ilalim ng mga pinuno ng mga lalawigan.” “At sino ang mamumuno sa labanan?” tanong uli ni Ahab. “Kayo!” tugon ng propeta. Tinipon nga ni Ahab ang mga kabataang kawal ng mga pinuno ng mga lalawigan, may 232 lahat-lahat. Pagkatapos, tinipon din niya ang hukbo ng Israel na may pitong libong kalalakihan. Pagdating ng tanghaling-tapat, samantalang si Ben-hadad at ang tatlumpu't dalawang hari na kasama niya'y nag-iinuman sa kanilang tolda, lumusob ang mga Israelita sa pangunguna ng mga kabataang kawal. May nagsabi kay Ben-hadad, “May lumalabas pong mga lalaki mula sa Samaria.” At sumagot siya, “Hulihin sila nang buháy, anuman ang kanilang pakay, kapayapaan man o labanan!” Sumalakay nga mula sa lunsod ang mga kabataang kawal, kasunod ang buong hukbo ng Israel. Sa unang sagupaan ay napatay ng bawat isa ang kanyang kalaban, kaya't nagtakbuhan ang mga taga-Siria. Hinabol naman sila ng mga Israelita, ngunit nakatakas si Ben-hadad kasama ng ilang kawal na nakakabayo. Lumabas naman si Haring Ahab at sumama sa paghabol sa mga taga-Siria. Pinuksa nila ang mga ito, at napakaraming kabayo at karwahe ang kanilang nasamsam. Matapos ang labanang iyon, sinabihan muli ng propeta ang hari ng Israel. Wika niya, “Magdagdag pa kayo ng tauhan at ihanda ninyong mabuti ang inyong hukbo. Planuhin ninyong mabuti ang dapat gawin, sapagkat sa susunod na tagsibol ay muling sasalakay ang hari ng Siria.” Pinayuhan din ng kanyang mga opisyal ang hari ng Siria, at kanilang sinabi, “Mga diyos ng kabundukan ang kanilang diyos, kaya tayo natalo. Ngunit labanan natin sila sa kapatagan at tiyak na matatalo sila. Ganito po ang inyong gawin: alisin ninyo sa kanilang tungkulin sa hukbo ang mga haring kasama ninyo, at palitan ninyo ng mga pinunong-kawal. Bumuo kayo ng isang hukbong sinlaki ng dati, na may gayunding dami ng kabayo at karwahe. Sa kapatagan natin sila labanan at ngayo'y tiyak na magtatagumpay tayo.” Nakinig ang hari sa kanilang payo at ganoon nga ang ginawa. Pagsapit ng tagsibol, tinipon ni Ben-hadad ang hukbo ng Siria at nagtungo sa Afec upang lusubin ang Israel. Nagtipun-tipon din naman ang mga Israelita at naghanda upang salubungin ang kalaban. Nagdalawang pangkat sila, at nagtayo ng kampo sa tapat ng mga iyon. Parang dalawang kawan lang ng kambing ang hukbo ng Israel, samantalang halos matakluban ng hukbo ng Siria ang pook na iyon. Lumapit muli sa hari ng Israel ang lingkod ng Diyos at sinabi sa kanya, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Sapagkat sinabi ng mga taga-Siria na ako ay Diyos ng kabundukan at hindi Diyos ng kapatagan, ipapalupig ko sa iyo ang hukbong iyan sa kabila ng kanilang dami at lakas. Makikita ninyo ngayon na ako nga si Yahweh.’” Pitong araw silang nagmanman sa isa't isa. Nagsimula ang labanan sa ikapitong araw, at sa araw na iyon sandaang libong kawal ang napatay sa hukbo ng Siria. Tumakas ang natirang buháyat pumasok sa Lunsod ng Afec. Ngunit gumuho ang pader ng lunsod at 27,000 pa ang natabunan. Nakatakas muli si Ben-hadad at nagtago sa isang silid sa loob ng lunsod. Sa gayong kalagayan, nasabi ng isa niyang tauhan, “Balita po namin ay maawain ang mga hari ng Israel. Magsusuot po kami ng damit-panluksa at magtatali ng lubid sa aming leeg, at haharap sa hari ng Israel. Baka sakaling kaawaan kami at hindi na kayo ipapatay.” At ganoon nga ang ginawa nila. Humarap sila sa hari ng Israel at nagmakaawa. “Hinihiling po ng inyong aliping si Ben-hadad na huwag na ninyo siyang patayin.” “Buháy pa ba siya? Buháy pa ba ang kapatid kong hari?” tanong ng hari ng Israel. Sinamantala ng mga sugo ang gayong magandang pahiwatig kaya't agad sumagot, “Opo, buháy pa po siya! Buháy pa.” “Dalhin ninyo siya agad dito,” utos ni Ahab. Pagdating ni Ben-hadad, pinasakay siya ni Ahab sa kanyang karwahe. Sinabi noon ni Ben-hadad, “Isasauli ko sa inyo ang mga lunsod na inagaw ng aking ama sa inyong ama. Maaari kayong magtayo ng pamilihan sa Damasco, tulad ng itinayo ng aking ama sa Samaria.” Sumagot naman si Ahab, “Sa ganitong kondisyon, pinapalaya ko na kayo.” Nangyari nga ang kasunduan at pinalaya sila ni Ahab. Sa utos ni Yahweh, hiniling ng isang alagad ng mga propeta sa isa niyang kasamahan, “Sugatan mo ako.” Subalit tumanggi ito. Kaya sinabi niya, “Sapagkat hindi mo sinunod ang utos ni Yahweh, pag-alis mo rito'y papatayin ka ng leon.” Hindi pa nakakalayo ang sinabihan ay nakasalubong at napatay nga siya ng isang leon. Nakakita ng ibang kasamahan ang alagad ng mga propeta at ito naman ang kanyang pinakiusapan. “Sugatan mo ako,” wika niya, at ginawa naman ng pinakiusapan ang hinihiling sa kanya. Nagtuloy ang alagad ng mga propeta at saka naghintay sa daraanan ng hari matapos bendahan ang kanyang mga mata upang hindi siya makilala. Sumigaw siya pagdaan ng hari at ganito ang sinabi: “Kamahalan, nang ako po'y nasa labanan, lumapit po sa akin ang isang kawal at iniwan sa akin ang isang bihag. Ang sabi po niya, ‘Alagaan mo ang bihag na ito. Kapag siya'y nakatakas, buhay mo ang kapalit, o magmumulta ka ng 35 kilong pilak.’ Nakalingat po ako at nakatakas ang bihag.” Sinabi sa kanya ng hari, “Ikaw na rin ang nagbigay ng iyong hatol. Mamamatay ka o magmumulta.” Nang marinig ito, bigla niyang inalis ang bendang nakatakip sa mga mata at nakilala ng hari na siya pala'y isang alagad ng mga propeta. At sinabi niya sa hari, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ‘Sapagkat pinakawalan mo ang isang taong ayon sa utos ko'y dapat mamatay, buhay mo ang kapalit ng kanyang buhay, at bayan mo ang kapalit ng kanyang bayan.’” Bumalik sa Samaria ang hari na nababahala at masama ang loob. Malapit sa palasyo ni Haring Ahab sa Jezreel, sa Samaria, ay may isang ubasan na pag-aari ni Nabot. Isang araw, sinabi ni Ahab kay Nabot, “Ibigay mo sa akin ang iyong ubasan. Gagawin kong taniman ng gulay sapagkat malapit ito sa aking palasyo. Papalitan ko ito ng mas mainam na ubasan, o kung gusto mo naman babayaran ko na lang ito sa tamang halaga.” Ngunit ganito ang naging sagot ni Nabot: “Minana ko pa po sa aking mga ninuno ang ubasang ito. Hindi papayagan ni Yahweh na ibigay ko ito sa inyo.” Umuwi si Ahab na malungkot at masama ang loob dahil sa sagot ni Nabot. Nagkulong siya sa kanyang silid, hindi makausap at ayaw kumain. Nilapitan siya ng asawa niyang si Jezebel at tinanong, “Ano bang problema mo at hindi ka makakain?” Sumagot ang hari, “Kinausap ko si Nabot na taga-Jezreel, at inalok ko siyang papalitan o babayaran ang kanyang ubasan. Ngunit tinanggihan ako, at ang sabi'y hindi raw niya maaaring ibigay sa akin ang kanyang ubasan.” Sagot sa kanya ni Jezebel, “Para ka namang hindi hari ng Israel. Halika na! Kumain ka at huwag ka nang malungkot! Ibibigay ko sa iyo ang ubasan ni Nabot.” Gumawa ang reyna ng ilang sulat sa ngalan ng hari, tinatakan ng pantatak ng hari, at ipinadala sa mga matatandang pinuno at pangunahing mamamayan sa lunsod na tinitirhan ni Nabot. Ganito ang sabi niya sa sulat: “Magpahayag kayo ng isang araw ng pag-aayuno. Tipunin ninyo ang mga tao at parangalan ninyo si Nabot. Kumuha kayo ng dalawang sinungaling na saksi na maghaharap ng ganitong sumbong laban sa kanya: ‘Nilapastangan niya ang Diyos at ang hari.’ Pagkatapos, dalhin ninyo siya sa labas ng lunsod at batuhin hanggang mamatay.” Tinupad ng matatandang pinuno at ng mga opisyal ng lunsod ang utos ni Jezebel. Nagpahayag sila ng isang araw na pangkalahatang pag-aayuno. Tinipon nila ang mga tao at pinarangalan si Nabot. Lumabas ang dalawang bayarang saksi at siya'y pinaratangan ng ganito: “Nilapastangan ni Nabot ang Diyos at ang hari.” Kaya't si Nabot ay inilabas sa lunsod at binato hanggang mamatay. Nagpasabi naman agad sila kay Jezebel, “Patay na po si Nabot na taga-Jezreel.” Pagkatanggap ng ganoong balita, nagpunta si Jezebel kay Ahab at sinabi, “Hayan! Kunin mo na ang ubasang hindi mo mabili kay Nabot. Hindi na siya makakatutol. Patay na siya.” Nang malaman ni Ahab na patay na si Nabot, pumunta siya sa ubasan upang angkinin iyon. Sinabi ni Yahweh kay Elias na taga-Tisbe, “Puntahan mo agad si Haring Ahab sa Samaria. Makikita mo siya sa ubasan ni Nabot. Naroon siya upang kamkamin iyon. Sabihin mo sa kanya, ‘Pagkatapos mong paslangin ang tao ay kukunin mo pati ang kanyang ari-arian? Kung saan hinimod ng mga aso ang dugo ni Nabot, doon din hihimurin ng mga aso ang iyong dugo.’” Sinabi ni Ahab kay Elias, “Nakita mo na naman ako, aking kaaway.” Sagot naman sa kanya ni Elias, “Hinanap kita muli sapagkat nalulong ka na sa paggawa ng masama sa paningin ni Yahweh! Malagim na parusa ang babagsak sa iyo. Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Itatakwil kita! Lilipulin ko ang mga anak mong lalaki, matanda at bata. Paparusahan kita tulad ng ginawa ko sa angkan ni Jeroboam na anak ni Nebat, at sa angkan ni Baasa na anak ni Ahias sapagkat ginalit mo ako at hinimok mo ang Israel sa pagkakasala.’ Ito naman ang pahayag laban kay Jezebel: “Si Jezebel ay lalapain ng mga aso sa loob mismo ng Jezreel.” Sinuman sa angkan ni Ahab ang mamatay sa bayan ay kakainin ng mga aso; sinumang mamatay sa bukid ay kakainin ng mga buwitre.” Dahil sa mga sulsol ni Jezebel, walang nakapantay sa mga kasamaang ginawa ni Ahab sa paningin ni Yahweh. Ginawa niya ang mga mahahalay na kasalanan sa pamamagitan ng pagsamba niya sa mga diyus-diyosan, gaya ng mga Amoreo na pinalayas ni Yahweh noong pumasok ang bayang Israel sa lupaing iyon. Nang marinig ni Ahab ang mga sinabi ng propeta, pinunit niya ang kanyang damit, nagsuot ng damit-panluksa kahit sa pagtulog. Nag-ayuno siya bilang tanda ng malaking kalungkutan. Kaya't sinabi ni Yahweh kay Elias, “Napansin mo ba kung paano nagpapakumbabá sa harapan ko si Ahab? Sapagkat nagpapakumbabá siya, hindi ko itutuloy ang parusa sa kanya habang siya'y nabubuhay. Ngunit pagkamatay niya, paparusahan ko ang kanyang angkan.” Tatlong taon nang walang labanan ang Israel at ang Siria. Ngunit sa ikatlong taon ay dumalaw sa hari ng Israel si Jehoshafat na hari ng Juda. Nasabi na noon ng hari ng Israel sa kanyang mga pinuno, “Alam ninyo na ang Ramot-gilead ay atin. Ngunit wala tayong ginagawang hakbang upang mabawi iyon sa hari ng Siria.” Ngayon nama'y si Jehoshafat ang kanyang hinimok. Ang sabi niya, “Samahan mo naman kami sa paglusob sa Ramot-gilead.” Sumagot si Jehoshafat, “Kasama mo ako at ang aking mga tauhan, at ang aming mga kabayo at kasangkapan. Ngunit sumangguni muna tayo kay Yahweh.” Tinipon nga ni Haring Ahab ng Israel ang kanyang mga propeta. May apatnaraan silang lahat at itinanong, “Dapat ko bang salakayin ang Ramot-gilead?” “Salakayin ninyo! Tutulungan kayo ni Yahweh at matatalo ninyo ang kaaway,” sagot ng mga propeta. Ngunit iginiit ni Jehoshafat, “Wala na bang ibang propeta ni Yahweh na maaari nating pagtanungan?” “Mayroon pang isa, si Micaya na anak ni Imla. Ngunit galit ako sa kanya, sapagkat lagi na lamang masama ang hula niya sa akin, wala nang mabuti,” sabi ni Ahab. “Huwag kang magsalita ng ganyan, kapatid kong hari!” tutol ni Jehoshafat. Ipinatawag ng hari ng Israel ang isa niyang opisyal at inutusan, “Dalhin ninyo kaagad dito si Micaya na anak ni Imla.” Nasa isang giikan sa may pasukan ng Samaria ang hari ng Israel at si Jehoshafat. Nakaupo silang dalawa sa kanya-kanyang trono at nakasuot ng damit-hari. Samantala, nasa kanilang harapan ang mga propeta at sama-samang nanghuhula. Naglagay ng mga sungay na bakal si Zedekias na anak ni Canaana, tumayo at ganito ang sinabi kay Ahab, “Sa pamamagitan nito'y lilipulin ninyo ang mga taga-Siria.” Ganoon din ang sinabi ng iba pang propeta. Sabi nila, “Mahal na hari, salakayin po ninyo ang Ramot-gilead at matatalo ninyo sila. Magtatagumpay kayo sa tulong ni Yahweh.” Sinabi ng sugong pinapunta kay Micaya, “Iisa ang sinasabi ng lahat ng mga propeta: magtatagumpay ang hari. Ganoon din ang sabihin mo!” Sumagot si Micaya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, kung ano ang sabihin niya sa akin, iyon din ang aking sasabihin.” Pagdating niya sa harapan ng hari, siya'y tinanong, “Micaya, sasalakayin ba namin ang Ramot-gilead?” “Salakayin po ninyo at magwawagi kayo. Magtatagumpay kayo sa tulong ni Yahweh.” Ngunit siya'y muling tinanong ng hari, “Ilang ulit ko bang sasabihin sa iyo na pawang katotohanan lamang ang sasabihin mo sa pangalan ni Yahweh?” Kaya't sinabi ni Micaya, “Nakita kong nagkawatak-watak ang hukbo ng Israel, nagkalat sa kabundukan parang tupang walang pastol! Narinig kong sinabi ni Yahweh, ‘Sila'y walang tagapanguna kaya't pauwiin na silang mapayapa.’” Kaya't sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Di ba't sinabi ko na sa iyo na kailanma'y hindi niya ako binigyan ng mabuting pahayag, lagi na lang masama.” Ngunit nagpatuloy si Micaya, “Pakinggan ninyo si Yahweh: Nakita ko si Yahweh na nakaupo sa kanyang trono. Nasa kanyang harapan, sa kaliwa at sa kanan, ang buong hukbo ng langit. Nagtanong siya, ‘Sino ang hihikayat kay Ahab na salakayin ang Ramot-gilead?’ Kanya-kanyang sagot ang mga espiritu. Ngunit mayroong isang tumayo at nagsalita ng ganito: ‘Ako po ang hihikayat kay Ahab.’ “‘Sa paanong paraan?’ tanong ni Yahweh. “‘Pupunta po ako roon at magiging espiritung sinungaling na magsasalita sa pamamagitan ng kanyang mga propeta,’ sagot ng espiritu. “‘Ikaw ang humikayat sa kanya at magtatagumpay ka,’ sabi ni Yahweh.” At patuloy ni Micaya, “Ngayon, nakikita mo kung paanong nagsalita ang espiritu ng kasinungalingan sa bibig ng iyong mga propeta. Ngunit si Yahweh ang nagtakda ng iyong kapahamakan.” Nang marinig ito, lumapit si Zedekias at sinampal si Micaya. Sabi niya, “Kailan ka pa nagkaroon ng karapatang magsalita sa ngalan ng Espiritu ni Yahweh? At akala mo ba'y aalis siya sa akin?” Sumagot si Micaya, “Malalaman mo ang sagot diyan pagdating ng araw na magtatago ka sa isang silid.” Ipinag-utos ng hari, “Ibalik siya kay Amon, ang gobernador ng lunsod, at kay Prinsipe Joas. Sabihin ninyo sa kanila na ibilanggo ang taong ito, at huwag pakainin kundi tinapay at tubig hanggang sa aking maluwalhating pagbabalik.” Sinabi ni Micaya, “Kapag kayo'y nakabalik nang buháy, hindi nga si Yahweh ang nagsalita sa pamamagitan ko.” Sinabi pa niya, “Tandaan ninyo ang lahat ng sinabi ko.” Pumunta nga sa Ramot-gilead si Ahab na hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda. Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Magbabalatkayo ako papunta sa labanan. Ngunit ikaw ay maaaring magpatuloy na nakadamit-hari.” At nagbalatkayo nga ang hari ng Israel patungo sa labanan. Iniutos ng hari ng Siria sa mga pinuno ng mga kawal na sakay sa karwahe, “Huwag ninyong pag-abalahan ang kung sinu-sino lamang! Ang hari ng Israel ang inyong harapin.” Kaya't nang makita nila si Jehoshafat, inakala nilang ito ang hari ng Israel at siyang hinabol. Ngunit pagsigaw niya ng kanyang sigaw pandigma, nakilala ng mga pinuno ng Siria na hindi siya ang hari ng Israel. At hindi na nila itinuloy ang paghabol. Subalit may isang kawal na basta na lamang pumana at natamaan ang hari ng Israel. Tumusok ang palaso sa pagitan ng pinagdugtungan ng baluti sa dibdib. Kaya't iniutos niya sa kawal na nagpapatakbo ng karwahe, “Ibuwelta mo ang karwahe! May tama ako. Umalis na tayo rito.” Mahigpit ang labanan nang araw na iyon at ang hari'y nanatiling nakatayo sa kanyang karwahe sa tapat ng mga Cireo hanggang sa siya'y mamatay nang lumulubog na ang araw. Dumanak ang dugo niya sa sahig ng karwahe. Paglubog ng araw, narinig ng buong hukbo ng Israel ang sigaw, “Tumakas na kayo. Magsiuwi na kayong lahat!” Namatay nga ang hari at dinala nila ang bangkay sa Samaria upang doon ilibing. Nang hugasan ang karwahe ng hari sa Batis ng Samaria, hinimod ng mga aso ang kanyang dugo. Samantala, may mga babaing nagbebenta ng aliw na naliligo sa batis, at naipaligo nila ang tubig na iyon. Sa ganoong paraan, natupad ang sinabi ni Yahweh. Ang iba pang mga ginawa ni Ahab, pati ang tungkol sa ipinagawa niyang palasyo na napapalamutian ng garing, at ang mga lunsod na kanyang itinayo ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Pagkamatay ni Ahab, humalili sa kanya bilang hari ang kanyang anak na si Ahazias. Naging hari ng Juda si Jehoshafat na anak ni Asa noong ikaapat na taon ng paghahari ni Ahab sa Israel. Tatlumpu't limang taóng gulang siya noong siya'y maupo sa trono ng Juda, at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng dalawampu't limang taon. Ang kanyang ina ay si Ayuba na anak ni Silhi. Sumunod siya sa halimbawa ng kanyang amang si Asa; ginawa niya ang mabuti sa paningin ni Yahweh. Subalit hindi niya ipinawasak ang mga lugar ng sambahan ng mga pagano at nagpatuloy ang mga tao sa pag-aalay doon at pagsusunog ng insenso. Nakipagkasundo rin si Jehoshafat sa hari ng Israel. Ang iba pang ginawa ni Jehoshafat, ang kanyang kagitingan, ang kanyang mga pakikipaglaban, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. Pinalayas niya ang mga lalaki at mga babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw sa mga sagradong lugar na natitira pa sa kaharian. Nakaligtas ang mga ito noong panahon pa ni Asa na kanyang ama. Walang hari noon sa Edom; ang namamahala dito'y isang kinatawan ng hari ng Juda. Nagpagawa si Jehoshafat ng mga malalaking barko upang maglayag patungo sa Ofir at mag-uwi ng ginto. Ngunit hindi nakaalis ang mga iyon sapagkat nawasak sa Ezion-geber. Iminungkahi pa ni Ahazias kay Jehoshafat, “Pagsamahin natin ang ating mga tauhan sa paglalakbay ng ating mga barko.” Ngunit hindi pumayag si Jehoshafat. Nang mamatay si Jehoshafat, inilibing siya sa libingan ng mga hari sa Lunsod ni David na kanyang ninuno. Humalili sa kanya si Jehoram bilang hari. Nang ikalabimpitong taon ng paghahari ni Jehoshafat sa Juda, naghari naman sa Israel si Ahazias na anak ni Ahab. Dalawang taon siyang naghari. Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sinundan niya ang masasamang halimbawa ng kanyang ama't ina, at ni Jeroboam na anak ni Nebat. Ibinunsod din niya ang Israel sa pagkakasala. Naglingkod siya at sumamba kay Baal. Ginalit niya si Yahweh, ang Diyos ng Israel, tulad ng ginawa ng kanyang ama noong una. Nang mamatay si Ahab, naghimagsik ang Moab laban sa Israel. Si Ahazias ay nahulog noon mula sa balkonahe sa bubungan ng palasyo niya sa Samaria at naging malubha ang kalagayan. Kaya nagpadala siya ng mga sugo sa Ekron upang isangguni sa diyos ng mga Filisteo na si Baalzebub kung gagaling pa siya o hindi. Ngunit sinabi ng anghel ni Yahweh kay Elias na taga-Tisbe, “Salubungin mo ang mga sugo ng hari ng Samaria at itanong mo kung wala nang Diyos ang Israel at kay Baalzebub na diyos ng Ekron na siya sasangguni. Sabihin mong hindi na siya gagaling sa kanyang sakit. Iyon na ang ikamamatay niya.” At lumakad nga si Elias. Nang magbalik ang mga inutusan ng hari, sila'y tinanong nito, “Bakit kayo bumalik?” Sinabi nila, “May nasalubong po kaming tao. Pinabalik niya kami at ipinapatanong sa inyo kung wala nang Diyos ang Israel kaya kay Baalzebub na diyos ng Ekron na kayo sasangguni? Hindi na raw kayo gagaling. Mamamatay na raw kayo sa sakit ninyong iyan.” “Ano ang hitsura ng taong nagsabi nito sa inyo?” tanong ng hari. “Mabalahibo po ang kanyang kasuotan at nakasinturon ng balat,” sagot nila. “Si Elias iyon na taga-Tisbe,” sabi ng hari. Ipinatawag ni Haring Ahazias ang isa niyang opisyal at ang limampung kawal nito upang dakpin si Elias. Natagpuan siya ng opisyal na nakaupo sa burol at sinabi nito, “Lingkod ng Diyos, ipinapatawag kayo ng hari.” Sumagot si Elias, “Kung ako nga'y lingkod ng Diyos, umulan sana ng apoy at sunugin ka, pati ang iyong limampung kawal.” Umulan nga ng apoy at nasunog ang opisyal at ang mga kawal nito. Nagsugo muli si Haring Ahazias ng ibang opisyal na may kasama ring limampung kawal. Ipinasabi niya kay Elias, “Lingkod ng Diyos, magmadali kayo, ipinapatawag kayo ng hari.” Ngunit sinabi ni Elias, “Kung ako nga'y lingkod ng Diyos, umulan sana ng apoy at sunugin ka, pati iyong limampung kawal.” Ang Diyos ay nagpaulan uli ng apoy at sinunog ang opisyal at ang mga kawal nito. Si Haring Ahazias ay nagpatawag uli ng isa pang opisyal at inutusan, kasama ng limampung kawal nito. Pagdating sa burol, lumuhod ang opisyal sa paanan ni Elias at nagsumamo, “Lingkod ng Diyos, maawa po kayo sa akin at sa aking limampung tauhan. Kami po ay inyong lingkod. Huwag po ninyong itulot na mamatay kami. Alam ko pong tinupok ng apoy mula sa langit ang dalawang opisyal na nauna sa akin at ang kanilang mga kawal. Kaya nga po isinasamo ko sa inyo na hayaan ninyo kaming mabuhay.” Sinabi ng anghel ni Yahweh kay Elias, “Sumama ka sa kanya at huwag kang matakot.” Sumama nga siya papunta sa hari. Pagdating sa palasyo sinabi niya sa hari, “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Sapagkat nagsugo ka ng mga tao upang sumangguni kay Baalzebub na diyos ng Ekron na para bang wala nang Diyos sa Israel, hindi ka na gagaling. Mamamatay ka.’” Namatay nga si Haring Ahazias ayon sa ipinasabi ni Yahweh kay Elias. Wala siyang anak kaya si Joram na kanyang kapatid ang humalili sa kanya bilang hari ng Israel. Noon naman ay dalawang taon nang hari sa Juda si Jehoram na anak ni Jehoshafat. Ang iba pang ginawa ni Haring Ahazias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Dumating ang oras na si Elias ay kailangan nang kunin ni Yahweh sa pamamagitan ng ipu-ipo. Noon ay naglalakad sila ni Eliseo buhat sa Gilgal. Sinabi ni Elias, “Maiwan ka na rito at ako'y pinapapunta ni Yahweh sa Bethel.” Ngunit sinabi ni Eliseo, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, hanggang buháy ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” At magkasama silang pumunta sa Bethel. Sinalubong sila ng mga propeta roon at tinanong nila si Eliseo, “Alam mo bang ang panginoon mo'y kukunin na ngayon ni Yahweh?” “Alam ko, kaya huwag na kayong maingay,” sagot niya. Sinabi ni Elias, “Eliseo, maiwan ka na sana rito sapagkat pinapapunta ako ni Yahweh sa Jerico.” Ngunit sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, hanggang buháy ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” Kaya nagpunta silang dalawa sa Jerico. Pagdating doon, si Eliseo ay nilapitan ng pangkat ng mga propetang tagaroon at tinanong, “Alam mo bang ang panginoon mo'y kukunin na ngayon ni Yahweh?” “Alam ko. Huwag na kayong maingay,” sagot niya. Sinabi muli ni Elias kay Eliseo, “Maiwan ka na rito sapagkat pinapapunta ako ni Yahweh sa Jordan.” Ngunit sinabi niya, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, hanggang buháy ka, hindi ako hihiwalay sa iyo.” At nagpatuloy sila ng paglakad. Sinundan sila ng limampung propeta at sila'y tinanaw sa di-kalayuan nang sila'y tumigil sa tabi ng Ilog Jordan. Hinubad ni Elias ang kanyang balabal at inihampas sa tubig. Nahawi ang tubig at sila'y tumawid sa tuyong lupa. Pagkatawid nila, sinabi ni Elias, “Sabihin mo sa akin kung ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo bago ako kunin.” Sumagot si Eliseo, “Kung maaari'y ipamana ninyo sa akin ang dalawang bahagi ng inyong kapangyarihan.” Sinabi ni Elias, “Mabigat ang hinihingi mo. Gayunman, kapag nakita mo akong kinuha, mangyayari ang kahilingan mo. Kapag hindi, hindi mo makakamit ang hinihingi mo.” Patuloy silang nag-uusap habang naglalakad. Walang anu-ano'y pumagitna sa kanila ang isang karwaheng apoy na hila ng mga kabayong apoy. Nagkahiwalay sila at si Elias ay iniakyat sa langit sa pamamagitan ng ipu-ipo. Kitang-kita ito ni Eliseo, kaya't napasigaw siya: “Ama ko! Ama ko! Magiting na tagapagtanggol ng Israel!” At nawala na sa paningin niya si Elias. Sa tindi ng kalungkutan, pinunit ni Eliseo ang kanyang damit mula itaas hanggang sa laylayan. Dinampot niya ang nalaglag na balabal ni Elias at bumalik sa pampang ng Ilog Jordan. Hinawakan niya sa isang dulo ang balabal at inihampas sa tubig sabay sabi, “Nasaan si Yahweh, ang Diyos ni Elias?” Nahawi ang tubig at siya'y tumawid. Nang makita ito ng mga propetang taga-Jerico na nakatanaw sa di-kalayuan, sinabi nila, “Sumasakanya ang kapangyarihan ni Elias.” Siya'y sinalubong nila at buong paggalang na niyukuran. Pagkatapos, sinabi nila, “May kasamahan pa po kaming limampu na pawang malalakas. Kung ibig ninyo, ipapahanap namin ang inyong panginoon. Maaaring tinangay lang siya ng Espiritu ni Yahweh at ipinadpad sa ibabaw ng bundok o sa alinman sa mga libis sa paligid.” Sinabi niyang huwag na. Ngunit sa kapipilit sa kanya, hindi na siya nakatanggi kaya pinalakad na nila ang limampu. Tatlong araw silang naghanap ngunit hindi nila nakita si Elias. Nang magbalik sila kay Eliseo sa Jerico, sinabi niya sa kanila, “Hindi ba't sinabi ko nang huwag na ninyo siyang hanapin?” Sinabi ng mga tagaroon kay Eliseo, “Tulad po ng inyong nakikita, maganda ang lunsod na ito, marumi nga lang ang tubig kaya't hindi mabunga ang lupa.” Sinabi niya, “Bigyan ninyo ako ng isang bagong mangkok at lagyan ninyo ng asin.” Ganoon nga ang ginawa nila. Dala ang mangkok, pumunta si Eliseo sa bukal ng tubig at ibinuhos ang asin. “Ito ang sabi ni Yahweh: ‘Lilinis ang tubig na ito at hindi na pagmumulan ng sakit o kamatayan,’” sabi niya. Mula noon, naging malinis ang tubig na iyon gaya ng sinabi ni Eliseo. Mula sa Jerico, pumunta siya sa Bethel. Sa daan, may mga kabataang lumabas mula sa bayan at pakutyang sinabi sa kanya: “Umalis ka rito, kalbo! Umalis ka rito, kalbo!” Nilingon niya ang mga kabataang iyon at sinumpa sila sa pangalan ni Yahweh. Mula sa kagubata'y lumabas ang dalawang babaing oso at nilapa ang apatnapu't dalawa sa mga kabataang kumukutya sa kanya. Mula roo'y nagtuloy siya sa Bundok ng Carmel bago bumalik sa Samaria. Nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Jehoshafat sa Juda, si Joram namang anak ni Ahab ay nagsimulang maghari sa Israel. Labindalawang taon siyang naghari sa Samaria, ang kabisera ng Israel. Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Subalit hindi siya naging kasinsama ng kanyang ama o ng kanyang ina na si Jezebel sapagkat ipinaalis niya ang rebulto ni Baal na ipinagawa ng kanyang ama. Ngunit tulad ni Haring Jeroboam na anak ni Nebat, si Joram ay naging dahilan din upang magkasala ang Israel at hindi niya ito pinagsisihan. Maraming tupa si Haring Mesa ng Moab at taun-taon ay nagbubuwis siya sa Israel ng sandaang libong kordero at balahibo ng sandaang libong tupa. Ngunit nang mamatay si Ahab, naghimagsik siya laban sa Israel. Kaya, mula sa Samaria'y tinipon ni Haring Joram ang lahat ng mga kawal ng Israel. Nagpadala siya ng sugo kay Haring Jehoshafat ng Juda at ipinasabing naghimagsik laban sa kanya ang hari ng Moab. Ipinatanong niya kung tutulungan siya sa pakikipagdigma laban dito. Ganito naman ang sagot ni Jehoshafat: “Tutulungan kita sampu ng aking mga tauhan at kabayo. Saan kami dadaan sa aming paglusob?” tanong pa niya. “Sa ilang ng Edom,” sagot ni Joram. Kaya, nagsama-sama ang sandatahang-lakas ng mga hari ng Israel, Juda at Edom. Makaraan ang pitong araw nilang paglalakad, naubusan sila ng tubig. Wala nang mainom ang mga kawal at ang mga hayop. Dahil dito, sinabi ng hari ng Israel, “Tayong tatlo'y pinagsama-sama ni Yahweh upang ibigay sa kamay ng mga Moabita.” Itinanong ni Jehoshafat, “Wala ba ritong propeta para makasangguni tayo kay Yahweh?” Sumagot ang isa sa mga opisyal ng hari ng Israel, “Narito po si Eliseo, ang anak ni Safat at dating lingkod ni Elias.” Sinabi ni Jehoshafat, “Siya ay tunay na propeta ni Yahweh.” At ang tatlong hari ay pumunta kay Eliseo. Tinanong ni Eliseo ang hari ng Israel, “Bakit sa akin kayo lumalapit at hindi sa mga propetang nilapitan ng inyong ama't ina?” “Sapagkat kaming tatlo'y pinagsama-sama ni Yahweh upang ibigay sa kamay ng mga Moabita,” sagot ng hari. Sinabi ni Eliseo, “Saksi si Yahweh, ang buháy na Makapangyarihan sa lahat, na siyang aking pinaglilingkuran. Kung hindi lang dahil kay Haring Jehoshafat ng Juda, ni hindi kita papansinin. Dalhan ninyo ako ng isang manunugtog.” Ganoon nga ang ginawa nila. Nang tumutugtog na ito, si Eliseo'y nilukuban ng kapangyarihan ni Yahweh. At sinabi niya, “Sinasabi ni Yahweh na pababahain niya ang tuyong batis na ito. Hindi uulan ngunit mapupuno ng tubig ang batis na ito para may mainom kayo at ang inyong mga hayop. Hindi lamang iyan ang gagawin niya sa inyo. Ibibigay niya sa inyong mga kamay ang mga Moabita. Kaya't masasakop ninyo ang kanilang magagandang lunsod na napapaligiran ng mga pader. Ibubuwal ninyo ang kanilang mga punongkahoy, sasarhan ang mga batis at tatambakan ng bato ang kanilang mga bukirin.” Kinaumagahan, sa oras ng paghahandog, nakita nilang umaagos ang tubig mula sa Edom at naging masagana sa tubig ang lupaing iyon. Nabalitaan ng mga Moabita na nagsama-sama ang tatlong hari upang sila'y digmain. Kaya, tinipon nila ang lahat ng maaaring humawak ng sandata mula pinakabata hanggang pinakamatanda at ipinadala sa labanan. Kinaumagahan, nakita nila ang tubig na kasimpula ng dugo dahil sa sikat ng araw. Kaya sinabi nila, “Dugo! Marahil ay naglaban-laban ang mga hari at sila-sila'y nagpatayan. Lusubin na natin sila at samsamin ang kanilang ari-arian!” Ngunit pagdating nila sa himpilan ng mga Israelita, sinugod sila ng mga ito. Umurong ang mga Moabita ngunit tinugis sila ng mga Israelita at pinatay ang bawat abutan. Winasak nila ang mga lunsod sa Moab at lahat ng bukirin ay tinambakan nila ng bato. Hinarangan nila ang lahat ng batis, at ibinuwal ang lahat ng punongkahoy. Wala nang natitirang lunsod kundi ang Kir-hareset, kaya't kinubkob ito ng mga maninirador na Israelita. Nang makita ng hari ng Moab na natatalo na sila ng mga kaaway, nagtipon siya ng pitong daang kawal na sanay sa paggamit ng espada upang makalusot sila sa kinaroroonan ng hari ng Edom. Ngunit hindi sila nakalusot. Kaya, kinuha niya ang panganay niyang lalaki, ang magmamana ng kanyang korona at sinunog bilang handog sa ibabaw ng pader. Nang makita ito ng mga Israelita, sila'y kinilabutan. Kaya umatras na sila at umuwi sa kanilang lupain. Minsan, ang asawa ng isa sa mga propeta ay lumapit kay Eliseo. Sinabi niya, “Hindi po kaila sa inyo na ang asawa ko'y namuhay nang may takot kay Yahweh hanggang sa mamatay. Ngayon po, ang dalawa kong anak na lalaki ay gustong gawing alipin ng isa sa mga pinagkakautangan namin.” “Ano ang maitutulong ko sa iyo?” tanong ni Eliseo. “Ano bang mayroon ka sa bahay mo?” “Wala po, maliban sa isang boteng langis,” sagot niya. Sinabi ni Eliseo, “Puntahan mo ang iyong mga kapitbahay at humiram ka ng mga lalagyan ng langis hangga't mayroon kang mahihiram. Pagkatapos, magkulong kayong mag-iina sa inyong bahay at lahat ng lalagyang nahiram mo'y punuin mo ng langis na nasa bahay mo. Itabi mo ang mga napuno na.” Umuwi nga ang babae at pagdating sa bahay ay nagkulong silang mag-iina at isa-isang pinuno ng langis ang mga lalagyan habang ang mga ito'y dinadala sa kanya ng kanyang mga anak. Hindi alam ng ina na puno nang lahat kaya sinabi niya: “Abutan pa ninyo ako ng lalagyan.” “Puno na pong lahat,” sagot ng kanyang mga anak. At tumigil na ang pagdaloy ng langis. Pumunta siya kay Eliseo, ang lingkod ng Diyos at isinalaysay ang nangyari. Sinabi ni Eliseo sa babae, “Ipagbili mo ang langis at bayaran mo ang iyong mga utang. Ang matitira ay gamitin ninyong mag-iina.” Minsan, si Eliseo'y pumunta sa Sunem. May isang mayamang babae roon at siya'y inanyayahang kumain sa kanila. Mula noon, doon siya kumakain tuwing pupunta sa lugar na iyon. Sinabi ng babae sa kanyang asawa, “Natitiyak kong isang banal na lingkod ng Diyos ang taong ito. Bakit di natin siya ipagpagawa ng isang silid para matuluyan niya tuwing pupunta rito? Bigyan natin siya ng higaan, mesa, upuan at ilawan.” Isang araw, bumalik nga roon si Eliseo at doon siya nagpahinga sa silid na inihanda para sa kanya. Tinawag niya ang katulong niyang si Gehazi at sinabi, “Tawagin mo ang babaing Sunamita.” Tinawag nga nito ang babae at di nagtagal ay dumating ang babae. Sinabi niya sa kanyang katulong, “Sabihin mong pinasasalamatan natin ang pagpapagawa niya ng tuluyan nating ito. Itanong mo kung ano ang maitutulong natin sa kanya bilang ganti sa kaabalahan niya sa atin. Baka may gusto siyang ipasabi sa hari o sa pinuno ng hukbo.” “Wala kayong dapat alalahanin. Nasisiyahan na po kami sa pamumuhay rito sa piling ng aming mga kababayan,” sagot ng babae. Pagkaalis ng babae, tinanong ni Eliseo si Gehazi, “Ano kaya ang maitutulong natin sa kanya?” Sumagot si Gehazi, “Wala po siyang anak at matanda na ang kanyang asawa.” “Tawagin mo siyang muli,” utos ni Eliseo. Kaya't bumalik ang babae at tumayo sa may pintuan. Sinabi sa kanya ni Eliseo, “Isang taon mula ngayon ay mayroon ka nang anak na lalaking kakalungin.” Sinabi ng babae, “Mahal na lingkod ng Diyos, huwag na po ninyo akong paasahin.” Ngunit dumating ang araw at naglihi ang Sunamita. At tulad ng sinabi ni Eliseo, nanganak siya ng isang lalaki makalipas ng halos isang taon mula nang sabihin ito sa kanya. At lumaki ang bata. Isang araw, sumunod ito sa kanyang ama kasama ang iba pang gumagapas sa bukid. Bigla na lamang dumaing ang bata na masakit ang kanyang ulo. Sinabi ng ama sa isang katulong, “Iuwi mo na siya sa kanyang ina.” Sumunod naman ang inutusan at inilagay ang bata sa kandungan ng ina nito. Ngunit nang magtatanghaling-tapat, namatay ang bata. Ang bangkay ay ipinasok ng ina sa silid ni Eliseo. Inilagay niya ito sa higaan, isinara ang pinto at dali-daling lumabas. Tinawag niya ang kanyang asawa at sinabi, “Madali ka! Pagayakin mo ang isang utusan at ipahanda ang isang asnong masasakyan ko. Pupunta ako sa lingkod ng Diyos.” “Anong gagawin mo roon?” tanong ng asawa. “Hindi ngayon Araw ng Pamamahinga at hindi rin Kapistahan ng Bagong Buwan.” “Kahit na. Kailangan ko siyang makausap,” sagot ng babae. Nang maihanda na ang asno, dali-dali siyang sumakay at sinabi sa kanyang katulong, “Sige, pabilisin mo ang asno at huwag mong pababagalin hanggang hindi ko sinasabi sa iyo.” At naglakbay sila, papunta sa Bundok ng Carmel sa kinaroroonan ni Eliseo. Nasa daan pa lamang, natanaw na sila ni Eliseo. Sinabi nito kay Gehazi, “Dumarating ang Sunamita. Salubungin mo. Kumustahin mo siya, ang kanyang asawa at ang kanyang anak.” Nang kumustahin ni Gehazi, sumagot ang babae, “Mabuti po.” Paglapit niya kay Eliseo, nagpatirapa ang babae at hinawakan ang mga paa ni Eliseo. Itutulak sanang palayo ni Gehazi ang babae ngunit sinabi ni Eliseo, “Pabayaan mo siya. Tiyak na may malaki siyang problema. Hindi pa lang ipinapaalam sa akin ni Yahweh.” Sinabi ng babae, “Humingi ba ako sa inyo ng anak? Hindi ba't sinabi kong huwag na ninyo akong paasahin?” Nilingon ni Eliseo si Gehazi at sinabi, “Magbalabal ka. Dalhin mo ang aking tungkod at tumakbo ka. Kapag may nakasalubong ka sa daan, huwag mong babatiin. Kapag may bumati sa iyo, huwag mong papansinin. Tumuloy ka sa bahay nila at ipatong mo ang tungkod sa mukha ng bata.” Sinabi ng Sunamita, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, at hangga't buháy ka, hindi ako aalis nang hindi ka kasama.” Pagkasabi nito'y lumakad siyang papalabas ng bahay. Kaya, tumindig na si Eliseo at sumunod sa kanya. Samantala, nauna si Gehazi sa bahay ng Sunamita at ipinatong sa bangkay ng bata ang tungkod ni Eliseo. Ngunit walang palatandaang ito'y mabubuhay. Kaya, bumalik siya at sinalubong si Eliseo. Sinabi niya, “Hindi po nagising ang bata.” Nagtuloy si Eliseo sa kanyang silid at nakita niya ang bangkay sa kanyang higaan. Isinara niya ang pinto at nanalangin kay Yahweh. Dinapaan niya ang bangkay at hinawakan ang mga kamay nito. Pagkatapos, itinapat niya sa bibig at mata ng bangkay ang kanyang bibig at mata. At unti-unting uminit ang bangkay. Tumayo si Eliseo at nagpabalik-balik sa loob ng silid. Muli niyang dinapaan ang bangkay. At ang bata'y bumahin nang pitong beses, saka idinilat ang mga mata. Ipinatawag niya kay Gehazi ang Sunamita at nang pumasok ito, sinabi niya, “Kunin mo na ang iyong anak.” Ang babae'y nagpatirapa sa paanan ni Eliseo. Pagkatapos, kinuha ang kanyang anak at dinala sa kanyang silid. Kasalukuyang taggutom sa Gilgal nang magbalik doon si Eliseo. Isang araw, samantalang nakaupo sa paligid niya ang pangkat ng mga propeta, sinabi niya sa kanyang katulong, “Isalang mo ang malaking palayok at ipagluto mo ang mga propetang ito.” Tumayo ang isa sa mga naroon at lumabas ng bukid upang manguha ng gulay. Nakakita siya ng isang ligaw na baging na parang upo at maraming bunga. Kumuha siya ng makakaya niyang dalhin. Pagbabalik niya'y pinagputul-putol ang mga iyon at inilagay sa palayok na nakasalang. Pagkaluto, inihain niya ito ngunit nang tikman nila'y napasigaw sila, “Lingkod ng Diyos, lason po ito!” Hindi nila ito makain. Sinabi ni Eliseo, “Magdala kayo rito ng kaunting harina.” Inabutan nga siya at ito'y ibinuhos sa palayok saka sinabi, “Ihain ninyo ngayon.” Nang kainin nila, wala namang masamang nangyari sa kanila. Isang lalaking taga-Baal-salisa ang lumapit kay Eliseo. May dala siyang bagong aning trigo at dalawampung tinapay na yari sa unang ani niya ng sebada. Sinabi ni Eliseo, “Ihain ninyo iyan sa mga tao.” Sumagot ang kanyang katulong, “Hindi po ito magkakasya sa sandaang katao.” Iniutos niya muli, “Ihain ninyo iyan sa mga tao sapagkat sinabi ni Yahweh: Mabubusog sila at may matitira pa.” At inihain nga nila iyon. Kumain ang lahat at nabusog, at marami pang natira, tulad ng sabi ni Yahweh. Sa Siria ay may isang pinuno ng hukbo na nagngangalang Naaman. Mataas ang pagtingin sa kanya ng hari sapagkat sa pamamagitan niya'y pinapagtatagumpay ni Yahweh ang Siria sa mga labanan. Si Naaman ay isang magiting na mandirigma ngunit siya'y may sakit na ketong. Minsan, ang mga taga-Siria ay nakabihag ng isang dalagitang Israelita. Naging katulong ang dalagitang ito ng asawa ni Naaman. Sinabi nito sa kanyang panginoon, “Kung ang asawa ninyo ay lalapit sa propeta na nasa Samaria, tiyak na pagagalingin siya niyon.” Nang marinig ito ni Naaman, pumunta siya sa hari at ibinalita ang sinabi ng dalagitang Israelita. Sinabi naman ng hari, “Sige, pumunta ka at magpapadala ako sa iyo ng sulat para sa hari ng Israel.” Pumunta nga si Naaman na may dalang 350 kilong pilak, anim na libong pirasong ginto at sampung magagarang kasuotan. Dala rin niya ang sulat para sa hari ng Israel. Ganito ang sabi sa sulat: “Mahal na hari, ang may dala nito'y si Naaman na aking lingkod. Nais ko sanang pagalingin mo siya sa kanyang ketong.” Nang mabasa ito ng hari ng Israel, pinunit niya ang kanyang damit at sinabi, “Ako ba'y Diyos na maaaring pumatay at bumuhay? Bakit sa akin niya pinapunta ang taong ito para pagalingin sa kanyang sakit? Baka naman humahanap lang siya ng dahilan para magdigmaan kami?” Nang mabalitaan ni Eliseo ang ginawa ng hari, ipinasabi niya, “Bakit kayo nababahala? Papuntahin ninyo siya sa akin upang malaman nilang may propeta rito sa Israel.” Nalaman ito ni Naaman kaya sumakay siya sa kanyang karwahe, at pumunta sa bahay ni Eliseo, kasama ang marami niyang kawal na nakasakay sa kabayo at mga karwahe. Ipinasabi sa kanya ni Eliseo: “Pumunta ka sa Ilog Jordan. Lumubog ka ng pitong beses at magbabalik sa dati ang iyong katawan. Gagaling ang iyong ketong.” Nang marinig ito, galit na umalis si Naaman. Sinabi niya, “Akala ko pa nama'y sasalubungin niya ako, tatayo sa harap ko, tatawagan ang Diyos niyang si Yahweh, at ikukumpas ang kanyang mga kamay sa tapat ng aking ketong at ako'y pagagalingin. At bakit hindi na lang sa mga ilog ng Damasco tulad ng Abana at ng Farfar na mas malinis kaysa alinmang ilog sa Israel? Hindi ba puwedeng doon na lang ako maligo para gumaling?” Ngunit lumapit sa kanya ang kanyang mga lingkod at sinabi, “Ginoo, kung mas mahirap pa riyan ang ipinagagawa sa inyo ng propeta, di ba't gagawin ninyo iyon? Gaano pa iyang pinaghuhugas lang kayo para luminis?” Kaya, pumunta rin si Naaman sa Ilog Jordan, at naglublob ng pitong beses gaya ng ipinagbibilin ng propetang si Eliseo. Nagbalik nga sa dati ang kanyang laman at kuminis ang kanyang balat, tulad ng kutis ng bata. Si Naaman at ang kanyang mga kasama ay bumalik kay Eliseo. Sinabi niya, “Ngayo'y napatunayan kong walang ibang diyos sa ibabaw ng lupa kundi ang Diyos ng Israel. Narito, pagdamutan ninyo itong aking nakayanan.” Ngunit sinabi ni Eliseo, “Saksi si Yahweh, ang buháy na Diyos na aking pinaglilingkuran, hindi ako tatanggap ng kahit ano.” Pinilit siya ni Naaman ngunit talagang ayaw niyang tumanggap. Dahil dito, sinabi ni Naaman, “Kung ayaw ninyo itong tanggapin, maaari po bang mag-uwi ako ng lupa mula rito? Kakargahan ko ng lupa ang aking dalawang mola. Mula ngayon, hindi na ako mag-aalay ng handog na susunugin sa sinumang diyos liban kay Yahweh. At sana ay patawarin niya ako sa gagawin ko. Kasi, pagpunta ng aking hari sa Rimon upang sumamba, isasama niya ako at kasama ring luluhod. Sana'y patawarin ako ni Yahweh sa aking pagluhod sa templo sa Rimon.” Sinabi sa kanya ni Eliseo, “Humayo kang payapa.” Nang malayu-layo na si Naaman, naisaloob ni Gehazi na lingkod ni Eliseo, “Hindi tinanggap ng aking panginoon ang ibinibigay sa kanya ni Naaman? Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, hahabulin ko ang taga-Siriang iyon at hihingi ako sa kanya ng kahit ano.” Sinundan nga niya si Naaman. Nang makita siya nitong tumatakbo, bumabâ ito ng karwahe. Sinalubong siya nito at tinanong, “May problema ba?” Sumagot siya, “Wala naman po. Pinasunod lang ako ng aking panginoon para sabihing may dumating na dalawang mahirap na propeta mula sa Efraim. Kung maaari raw ay bigyan mo sila ng 35 kilong pilak at dalawang bihisang damit.” Sinabi ni Naaman, “Tanggapin mo sana itong 70 kilong pilak.” At pilit niyang ibinigay ang 70 kilong pilak. Isinilid ito sa dalawang supot kasama ng dalawang bihisang damit at ipinapasan sa dalawa niyang tauhan. At ang mga ito'y naunang lumakad kay Gehazi. Pagdating sa burol, kinuha niya sa dalawa ang mga dala nito at pinabalik na kay Naaman. At itinago niya sa bahay ang mga supot at mga damit. Pagkatapos, bumalik siya sa kanyang panginoon. Tinanong siya nito, “Saan ka galing, Gehazi?” “Hindi po ako umaalis,” sagot niya. Sinabi ni Eliseo, “Hindi ba't kasama mo ang aking espiritu nang bumabâ sa karwahe si Naaman at salubungin ka. Hindi ngayon panahon ng pagtanggap ng salapi, damit, taniman ng olibo, ubasan, tupa, baka at mga alipin! Kaya't ang sakit sa balat ni Naaman na parang ketong ay mapupunta sa iyo at sa mga susunod mong salinlahi.” Nang umalis si Gehazi, nagkaroon siya ng maputing sakit sa balat na parang ketong. Minsan, lumapit kay Eliseo ang pangkat ng mga propetang pinapamahalaan niya. Sinabi nila, “Maliit na po para sa amin ang aming tirahan. Kung papayag kayo, pupunta kami sa Jordan at puputol kami roon ng kahoy na gagawin naming bahay.” Pumayag naman si Eliseo. Sinabi ng isa sa kanila, “Kung maaari po ay sumama kayo sa amin.” “Sige, sasama ako,” sagot niya. At pumunta nga sila sa Jordan upang pumutol ng kahoy. Nang pumuputol na sila ng kahoy, nahulog sa tubig ang talim ng palakol ng isa sa kanila. Sumigaw siya, “Guro, anong gagawin ko ngayon? Hiniram ko po lamang iyon.” Itinanong ni Eliseo, “Saang banda nahulog?” Nang ituro sa kanya kung saan nahulog, pumutol siya ng isang sanga ng kahoy. Inihagis niya iyon sa tubig, at lumutang ang talim ng palakol. Sinabi ni Eliseo, “Kunin mo na.” Inabot naman iyon ng lalaki. Minsan, binalak ng hari ng Siria na digmain ang Israel. Tinipon rin niya ang kanyang mga tauhan at sinabi sa kanila ang kanyang napiling lugar na pagkakampuhan. Ngunit ipinasabi ito ni Eliseo sa hari ng Israel. Binalaan niya ito, “Huwag na huwag kayong pupunta sa naturang lugar sapagkat nag-aabang doon ang mga taga-Siria.” At pinabantayan nga ng hari ng Israel ang mga lugar na sinabi ni Eliseo. Maraming beses na sinabi sa kanya ni Eliseo tungkol sa balak na pagsalakay ng mga taga-Siria. At lahat ng lugar na sabihin sa kanya'y pinalalagyan ng mga bantay. Dahil dito, labis na nabahala ang hari ng Siria. Kaya, tinipon niya ang kanyang mga tauhan at tinanong, “Magsabi kayo ng totoo. Sino sa inyo ang nakikipagsabwatan sa hari ng Israel?” Isa sa mga naroon ang sumagot, “Wala po, mahal na hari. Si Eliseo po, ang propeta sa Israel ang nagsasabi sa kanilang hari kahit ang inyong mga lihim na binabalak.” Sinabi niya, “Kung ganoon, hanapin ninyo siya at hulihin.” May nagsabi sa kanyang si Eliseo ay nasa Dotan, kaya nagpadala siya roon ng maraming kawal na sakay ng mga karwahe at kabayo. Gabi na nang dumating sila roon at pinaligiran nila ang lunsod. Kinabukasan ng umaga, lumabas ang katulong ni Eliseo at nakita niya ang maraming kawal, ang mga kabayo at karwaheng nakapaligid sa lunsod. Sinabi niya, “Guro, paano tayo ngayon?” Sinabi ni Eliseo, “Huwag kang matakot. Mas marami tayong kakampi kaysa kanila.” At siya'y nanalangin, “Yahweh, buksan po ninyo ang kanyang paningin nang siya'y makakita.” Pinakinggan ni Yahweh ang kanyang panalangin at nakita ng katulong ni Eliseo na ang bundok ay punung-puno ng mga kabayo at karwaheng apoy na nakapaligid kay Eliseo. Nang salakayin sila ng mga taga-Siria, nanalangin uli si Eliseo, “Yahweh, bulagin po ninyo sana sila.” At binulag nga ni Yahweh ang mga taga-Siria bilang sagot sa panalangin ni Eliseo. Sinabi niya sa mga ito, “Hindi rito ang daan, hindi ito ang lunsod. Sumunod kayo sa akin at dadalhin ko kayo sa taong hinahanap ninyo.” At sila'y kanyang dinala sa Samaria. Pagpasok nila sa lunsod, nanalangin si Eliseo, “Yahweh, buksan na po ninyo ang kanilang paningin nang sila'y makakita.” Binuksan nga ni Yahweh ang paningin ng mga taga-Siria at nagulat sila nang makita nilang sila'y nasa loob ng Samaria. Nang makita sila ng hari ng Israel, dalawang beses nitong itinanong kay Eliseo, “Papatayin ko po ba sila?” Sumagot siya, “Huwag, mahal na hari. Hindi nga ninyo pinapatay ang mga nabibihag ninyo sa digmaan. Sila pa kaya? Sa halip, pakanin ninyo sila at painumin, pagkatapos ay pabalikin sa kanilang hari.” Nagpahanda ng maraming pagkain ang hari ng Israel at pinakain ang mga bihag na taga-Siria, saka pinauwi sa kanilang hari. Mula noon, hindi na muling sumalakay ang mga taga-Siria sa lupain ng Israel. Hindi nagtagal, tinipon ni Ben-hadad, hari ng Siria ang kanyang buong hukbo at kinubkob ang Samaria. Dahil dito'y nagkaroon ng taggutom sa Samaria. Ang isang ulo ng asno ay nagkahalaga ng walumpung pirasong pilak at limang pirasong pilak naman ang kalahating litro ng dumi ng kalapati. Minsan, nang naglalakad ang hari ng Israel sa ibabaw ng pader ng lunsod, tinawag siya ng isang babae, “Mahal na hari, tulungan po ninyo ako!” Sinabi niya, “Kung hindi ka tutulungan ni Yahweh, paano nga kita matutulungan? Wala naman akong trigo o katas ng ubas. Ano bang problema mo?” tanong sa kanya ng hari. Sumagot ang babae, “Napag-usapan po namin ng babaing ito na iluto namin ang aking anak para may makain kami ngayon. Bukas, ang anak naman niya ang kakainin namin. Kaya naman po iniluto namin ang aking anak at kinain. Nang hingin ko na po ang kanyang anak para iluto, itinago po niya at ayaw niyang ibigay.” Nang marinig ito, pinunit ng hari ang kanyang damit. Nakita ng mga taong malapit sa pader na nakasuot pala siya ng damit-sako na nakapailalim sa kanyang kasuotan bilang tanda ng matinding kalungkutan. Sinabi niya, “Patayin sana ako ng Diyos kapag ngayong maghapo'y hindi ko napapugutan ng ulo si Eliseo na anak ni Safat!” Kaya't inutusan niya ang kanyang lingkod na kunin si Eliseo. Samantala, si Eliseo naman ay nasa kanyang bahay at kausap ng pinuno ng Israel. Papunta naman doon ang lalaking inutusan ng hari. Hindi pa ito nakakarating doon ay sinabi na ni Eliseo sa matatandang pinuno, “Tingnan ninyo at papupugutan pa ako ng mamamatay-taong iyon. Pagdating niya rito, isara ninyo ang pinto at bayaan siya sa labas. Kasunod na rin niya ang hari.” Hindi pa halos natatapos ang sinasabi ni Eliseo ay dumating ang hari. Sinabi nito, “Ang paghihirap nating ito'y padala ni Yahweh. Bakit ko pa hihintayin ang gagawin ni Yahweh bago ako kumilos?” Sinabi ni Eliseo, “Makinig kayo sa ipinapasabi ni Yahweh: ‘Bukas sa ganitong oras, sa may pagpasok ng Samaria ay makakabili ka na ng isang takal na pinong harina o dalawang takal na sebada sa halagang isang pirasong pilak.’” Sinabi ng opisyal na kanang kamay ng hari, “Hindi magkakatotoo iyang sinasabi mo kahit pa buksan ni Yahweh ang mga bintana ng langit.” Sinabi naman ni Eliseo, “Makikita mong ito'y mangyayari bukas ngunit hindi mo ito matitikman.” May apat na taong may sakit sa balat na parang ketong noon sa may pasukan ng lunsod. Nag-usap-usap sila, “Bakit nakaupo tayo rito at naghihintay na lang ng kamatayan? Kung papasok tayo ng lunsod, tiyak na mamamatay tayo sa gutom doon. Kung mananatili naman tayo rito, mamamatay rin tayo. Mabuti pa'y pumunta tayo sa kampo ng mga taga-Siria. Kung hindi nila tayo patayin, mabuti. Kung patayin nila tayo, matatapos na ang ating paghihirap.” Nang palubog na ang araw, pumunta nga sila sa kampo ng mga taga-Siria. Pagdating doon, wala silang dinatnan isa man sapagkat sa kapangyarihan ni Yahweh, ang mga kawal ng Siria ay nakarinig ng mga yabag ng napakaraming kabayo at mga karwahe. Dahil dito, inakala nilang inupahan ng hari ng Israel ang mga hari ng Heteo at Egipcio para digmain sila. Kaya't tumakas sila nang magtatakip-silim. Iniwan nila ang kanilang kampo, pati mga kabayo, asno at lahat ng naroon at kanya-kanya silang takbo para iligtas ang kanilang buhay. Pumasok ang apat sa unang tolda. Kumain sila at uminom. Pagkabusog, sinamsam nila ang lahat ng ginto, pilak at mga damit na naroon at ito'y itinago. Pagkatapos, pumasok din sila sa ibang tolda, sinamsam din ang lahat ng naroon at itinago. Ngunit naisip nila, “Hindi tama itong ginagawa natin. Magandang balita ito at hindi natin dapat sarilinin. Hindi natin ito dapat ipagpabukas sapagkat tiyak na mapaparusahan tayo. Ang mabuti'y ipaalam na natin ito sa mga opisyal ng hari.” At lumakad nga sila. Pagdating sa pasukan ng lunsod, sinabi nila sa mga bantay, “Galing kami sa kampo ng mga taga-Siria at isa mang bantay ay wala kaming dinatnan. Ang nakita lang namin ay mga kabayong nakatali, asno at mga tolda.” Isinigaw naman ito ng mga bantay hanggang sa ang balita'y makarating sa palasyo. Nang gabing iyon ay bumangon ang hari at tinipon ang pinuno ng Israel. Sinabi niya, “Pain lang ito ng mga taga-Siria. Alam nilang nagkakagutom tayo rito kaya iniwan nila ang kampo at nagtago sa paligid. Pagpasok natin doon, huhulihin nila tayo nang buháy. Sa ganoong paraan, mapapasok nila itong ating lunsod.” Sinabi ng isa sa mga pinuno, “Pumili kayo ng ilang lalaki at patingnan natin kung ito'y totoo. Ipagamit natin sa kanila ang lima sa mga kabayong natitira pa sa atin. Kung makabalik sila nang buháy, magandang balita ito sa buong Israel. Kung mapatay naman sila, matutulad lamang sila sa mga kasama nating namatay na.” Pumili nga sila ng dalawang karwahe at pinuntahan ang kampo ng mga taga-Siria upang malaman kung ano ang nangyari sa mga iyon. Nakaabot sila hanggang sa Ilog Jordan at wala silang nakitang kaaway. Ang nakita nila'y damit at mga kagamitang naiwan ng mga taga-Siria dahil sa pagmamadali. Nagbalik ang mga inutusan ng hari at ibinalita ang kanilang nakita. Nagpuntahan ang mga Israelita sa kampo ng mga taga-Siria at kinuhang lahat ang laman ng mga tolda. Kaya natupad ang sinabi ni Yahweh na may mabibili nang pagkain, isang pirasong pilak ang bawat takal ng pinong harina o kaya'y dalawang takal na sebada. Ang opisyal na kanang kamay ng hari ang pinagbantay sa pintuan ng lunsod. Nang magdagsaan ang mga tao, siya'y natapak-tapakan at namatay tulad ng sinabi ni Eliseo. Sapagkat nang sabihin ni Eliseo sa hari na bukas ay makakabili na ng dalawang takal na sebada o kaya'y isang takal na pinong harina sa halagang isang siklong pilak, ang opisyal na ito ang nagsabing hindi magkakatotoo iyon buksan man ni Yahweh ang mga bintana sa langit. Sinabi rin noon ni Eliseo, “Makikita mong ito'y magkakatotoo ngunit hindi mo matitikman ang pagkaing sinasabi ko.” Iyon nga ang nangyari, natapak-tapakan siya ng mga tao at namatay sa may pintuan ng lunsod. Sinabi ni Eliseo sa ina ng bata na kanyang muling binuhay, “Umalis kayo rito at mangibang-bayan sapagkat sinabi ni Yahweh na magkakaroon ng taggutom dito sa loob ng pitong taon.” Sumunod naman ang babae sa sinabi ng propeta. Umalis sila ng kanyang pamilya at nanirahan sa lupain ng mga Filisteo sa loob ng pitong taon. Pagkalipas ng pitong taon, bumalik siya sa Israel at nakiusap sa hari na ibalik sa kanya ang kanyang bahay at lupa. Kausap noon ng hari si Gehazi, ang lingkod ng propetang si Eliseo. Sinabi ng hari, “Isalaysay mo sa akin ang mga himalang ginawa ni Eliseo.” Nang isinasalaysay na ni Gehazi ang tungkol sa pagbuhay sa patay, dumating ang ina ng batang binuhay ni Eliseo. Pumunta nga siya roon upang humingi ng tulong tungkol sa kanilang bahay at lupa. Nang makita ni Gehazi ang babae, sinabi niya sa hari, “Mahal na hari, ito po ang ina ng batang binuhay ni Eliseo.” Ang babae'y tinanong ng hari kung totoo ang sinasabi ni Gehazi, at sinabi niyang totoo nga. Kaya, ang hari ay humirang ng isang tao at inutusan ng ganito: “Gawan mo ng paraang maibalik sa babae ang lahat niyang ari-arian pati ang ani ng kanyang bukid mula nang umalis siya hanggang sa araw na ito.” Si Eliseo ay pumunta sa Damasco at noon ay may sakit si Haring Ben-hadad ng Siria. Nang mabalitaan niyang nasa Damasco si Eliseo, inutusan niya si Hazael na magdala ng mga regalo at makipagkita kay Eliseo, ang propeta ng Diyos, upang itanong kay Yahweh kung gagaling pa siya o hindi. Lumakad si Hazael upang makipagkita kay Eliseo. Karga ng apatnapung kamelyo, dala niya ang iba't ibang magagandang regalo na produkto ng Damasco. Pagdating kay Eliseo, sinabi niya, “Inutusan po ako ng lingkod ninyong si Ben-hadad upang alamin kay Yahweh kung gagaling pa ang hari o hindi.” Ang sagot ni Eliseo, “Bumalik ka sa kanya at sabihin mong gagaling siya ngunit ipinaalam sa akin ni Yahweh na mamamatay siya.” At tinitigan niyang mabuti si Hazael hanggang sa ito'y mapahiya. Napaiyak si Eliseo. Nang itanong ni Hazael kung bakit siya umiiyak, sinabi ni Eliseo, “Sapagkat alam kong gagawan mo ng malaking kasamaan ang buong Israel. Susunugin mo ang kanilang mga kuta, papatayin mo ang mga kabataang lalaki, duduruging parang abo ang mga bata at bibiyakin mo ang tiyan ng mga buntis.” “Paano ko magagawa ang kakila-kilabot na bagay na iyan? Ako'y isang hamak na alipin lamang.” sagot ni Hazael. Sinabi ni Eliseo, “Ipinahayag sa akin ni Yahweh na ikaw ay magiging hari ng Siria.” At bumalik na si Hazael kay Ben-hadad. Tinanong siya nito, “Ano ang sinabi sa iyo ni Eliseo?” Sumagot siya, “Gagaling daw po kayo,” sagot ni Hazael. Ngunit kinabukasan, binasa ni Hazael ang isang kumot at ibinalot sa mukha ng hari hanggang sa ito'y mamatay. At si Hazael ang sumunod na hari ng Siria. Nang si Joram na anak ni Ahab ay limang taon nang naghahari sa Israel, si Jehoram na anak ni haring Jehoshafat ay nagsimula namang maghari sa Juda. Tatlumpu't dalawang taon siya nang maging hari, at walong taóng naghari sa Jerusalem. Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sinundan niya ang yapak ng mga naging hari ng Israel, tulad ng ginawa ng sambahayan ni Ahab na kanyang biyenan. Gayunman, hindi pa rin ibinagsak ni Yahweh ang Juda alang-alang sa lingkod niyang si David at sa pangako niya rito na maghahari ang kanyang mga susunod na salinlahi sa habang panahon. Sa panahon ni Jehoram, naghimagsik ang Edom laban sa Juda at naglagay ng sariling hari. Pumunta siya sa Zair, dala ang lahat niyang karwahe. Ngunit napaligiran sila ng mga Edomita kaya kinagabihan, nagpilit silang lumusot. Ang mga tauhan niya ay nagsitakas pauwi sa kani-kanilang bahay. Mula noon, hindi na sakop ng Juda ang Edom. Hindi nagtagal, naghimagsik din ang Libna. Ang iba pang ginawa ni Jehoram ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. Namatay siya at inilibing sa bayan ni David, sa libingan ng kanyang mga ninuno. Ang humalili sa kanya bilang hari ay ang anak niyang si Ahazias. Si Ahazias na anak ni Haring Jehoram ay naging hari ng Juda noong ikalabindalawang taon ng paghahari sa Israel ni Joram na anak ni Ahab. Si Ahazias ay dalawampu't dalawang taon noon at isang taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Atalia na apo ni Omri na naging hari din ng Israel. Sinundan din niya ang yapak ng sambahayan ni Ahab na lolo ng kanyang asawa, nagkasala rin siya kay Yahweh. Tinulungan niya si Joram nang salakayin nito sa Ramot-gilead si Haring Hazael ng Siria. Noon ay nasugatan nang malubha si Joram, at umuwi siya upang magpagamot sa Jezreel. Nang mabalitaan ito ni Ahazias na anak ni Haring Jehoram ng Juda, dinalaw niya ito. Samantala, tinawag ni Propeta Eliseo ang isa sa mga propeta at inutusan, “Magbihis ka. Pumunta ka sa Ramot-gilead at dalhin mo ang langis na ito. Pagdating doon, hanapin mo si Jehu na anak ni Jehoshafat at apo ni Nimshi. Sabihin mong iwan muna niya ang kanyang mga kasamahan at isama mo siya sa isang silid. Doo'y ibuhos mo ang langis na ito sa kanyang ulo. Sabihin mong pinili siya ni Yahweh upang maging hari ng Israel. Pagkatapos, umalis ka na agad.” Pumunta nga sa Ramot-gilead ang kabataang propeta. Nadatnan niyang nagpupulong ang mga opisyal ng hukbo. Sinabi niya, “Napag-utusan po ako, mahal na pinuno.” Si Jehu ang sumagot, “Sino sa amin ang kailangan mo?” “Kayo po,” sagot ng propeta. Tumindig si Jehu at sumama sa propeta sa loob ng bahay. Pagdating doon, ibinuhos niya sa ulo ni Jehu ang langis sabay sabi, “Ganito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: binubuhusan kita ngayon ng langis upang maging hari ng Israel na kanyang bayan. Papatayin mo ang iyong hari na anak ni Ahab upang maipaghiganti ko kay Jezebel ang aking mga propeta at ang lahat ng lingkod ni Yahweh na kanyang pinatay. Mauubos ang angkan ni Ahab at papatayin ko ang mga anak niyang lalaki sa Israel, maging alipin o malaya. Gagawin ko sa pamilya niya ang ginawa ko sa pamilya ni Jeroboam na anak ni Nebat, at ni Baasa na anak ni Ahias. Si Jezebel ay lalapain ng mga aso sa kaparangan ng Jezreel at walang maglilibing sa kanya.” Pagkasabi nito, dali-daling umalis ang kabataang propeta. Nang bumalik si Jehu sa kanyang mga kasamahan, tinanong siya ng mga ito, “Ano ang nangyari? Anong kailangan sa iyo ng luku-lukong iyon?” Sinabi niya, “Alam na ninyo kung anong gusto ng luku-lukong iyon.” “Ano nga ang sinabi niya?” tanong nila. At sinabi niya, “Ganito ang sabi niya: ‘Inutusan ako ni Yahweh na buhusan kita ng langis upang ika'y maging hari ng Israel.’” Pagkarinig nito'y dali-dali nilang inalis ang kanilang mga balabal at inilatag sa paanan ni Jehu. Hinipan nila ang trumpeta at saka sumigaw: “Mabuhay si Jehu! Mabuhay ang hari!” Pinag-aralan ni Jehu kung paano niya mapapatay si Joram na noon ay kasama ang mga Israelitang nagbabantay sa Ramot-gilead laban kay Haring Hazael ng Siria. Si Haring Joram ay bumalik noon sa Jezreel upang ipagamot ang sugat na tinamo sa pakikipaglaban kay Haring Hazael at sa mga tauhan nito. Sinabi ni Jehu, “Kung talagang kakampi ko kayo, isa man sa kanila'y huwag ninyong pababayaang makapunta sa Jezreel upang ibalita ang nangyaring ito.” Sumakay siya sa kanyang karwahe upang puntahan si Joram sa Jezreel na noon ay dinadalaw ni Haring Ahazias ng Juda. Mula sa tore ng Jezreel, natanaw ng bantay ang pangkat ni Jehu. Sinabi niya, “May isang pangkat na dumarating.” Sumagot si Joram, “Sabihin mong salubungin ng isa nating mangangabayo at itanong kung mga kaibigan ba sila o mga kaaway.” Kaya sinalubong sina Jehu ng isang mangangabayo at sinabi, “Ipinatatanong po ng hari kung kayo'y kaibigan o kaaway.” Sumagot si Jehu, “Kaibigan man o kaaway, wala akong pakialam. Sumunod ka na lang sa akin.” Dahil dito sinabi ng bantay, “Sinalubong na sila ng ating kawal ngunit paparating pa rin dito ang pangkat.” Inutusan niyang muli ang isang mangangabayo at ipinatanong kung kaibigan ba sila o kaaway. Sinabi ni Jehu, “Anong kaibigan o kaaway? Sumunod ka na lang sa akin.” Sinabi uli ng bantay kay Joram, “Sinalubong na sila ng ating kawal ngunit paparating pa rin ang pangkat. Parang isang sira-ulo sa sobrang bilis ng pagpapatakbo ng karwahe ang kanilang pinuno; parang si Jehu na anak ni Nimshi.” Sinabi ni Joram, “Ihanda ninyo ang aking sasakyan.” Dali-daling sumakay sina Joram at Ahazias at sinalubong ang pangkat ni Jehu. Nagkasalubong sila sa lupain ni Nabot. Nang makilala siya ni Joram, itinanong nito, “Kapayapaan ba ang sadya mo, Jehu?” Sumagot si Jehu, “Magkakaroon ba ng kapayapaan habang naglipana ang pagsamba sa diyus-diyosan at pangkukulam na pinalaganap ng ina mong si Jezebel?” Nang marinig ito, biglang ibinuwelta ni Joram ang kanyang karwahe upang tumakas kasabay ng sigaw kay Ahazias, “Pinagtaksilan tayo!” Ngunit buong lakas na pinana ni Jehu si Joram. Tinamaan siya sa likod at tumagos ang palaso sa puso. Bumagsak si Joram sa loob ng karwahe. Sinabi ni Jehu sa kanyang katulong na si Bidcar, “Buhatin mo siya at ihagis sa lupa ni Nabot ng Jezreel. Alalahanin mo ang pahayag ni Yahweh laban sa ama niyang si Ahab noong tayo'y kasama pa niya. ‘Nakita mo ang pagkamatay ni Nabot at ng kanyang mga anak, gagantihan kita sa lupaing ito.’ Kaya nga, buhatin mo siya at ihagis sa lupa ni Nabot, upang matupad ang sinabi ni Yahweh.” Nang makita ni Ahazias ang nangyari, tumakas siya papuntang Beth-agan. Ngunit ipinapana rin siya ni Jehu at siya'y bumagsak sa loob ng karwahe nang paahon ito sa Gur na malapit sa Ibleam. Gayunman, nakatakas siya sa Megido at doon namatay. Ang bangkay niya'y kinuha ng kanyang mga tagapaglingkod at isinakay sa karwahe. At siya'y inilibing nila sa Jerusalem, sa libingan ng kanyang mga ninuno sa bayan ni David. Si Ahazias ay naging hari ng Juda noong ika-11 taon ng paghahari ni Joram sa Israel. Bumalik si Jehu sa Jezreel at ito'y nabalitaan ni Jezebel. Kinulayan ni Jezebel ang kanyang mga mata, inayos na mabuti ang buhok at dumungaw sa bintana ng palasyo. Nang makita niyang pumapasok si Jehu, itinanong niya, “Kapayapaan ba ang sadya mo, Zimri, mamamatay ng sariling panginoon?” Tumingala si Jehu at nagtanong, “Sino sa inyo riyan ang aking kakampi?” Nang dumungaw ang dalawa o tatlong eunuko sinabi niya sa mga ito, “Ihulog ninyo ang babaing iyan.” Inihulog nga nila si Jezebel. Nang ito'y bumagsak sa lupa, tumilamsik sa pader at sa mga kabayo ang kanyang dugo. At ang bangkay ay pinasagasaan niya sa karwahe. Pumasok si Jehu sa palasyo upang kumain at uminom. Maya-maya, sinabi niya, “Kunin ninyo ang isinumpang babaing iyon at ilibing ninyo sapagkat anak din naman siya ng hari.” Nang puntahan nila ang bangkay upang ilibing, wala na silang nadatnan kundi ang ulo, mga buto ng kamay at paa nito. Nang ibalita nila ito kay Jehu, sinabi nito, “Ito'y katuparan ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Elias na, ‘Si Jezebel ay lalapain ng mga aso sa mismong nasasakupan ng Jezreel. Parang duming sasambulat ang kanyang bangkay at walang makakakilala sa kanya.’” Si Ahab ay may pitumpung anak na lalaki sa Samaria. Sinulatan ni Jehu ang mga pinuno ng Jezreel, ang matatandang pinuno, at ang mga tagapag-alaga ng mga anak ni Ahab. Ganito ang nasa sulat: “Sinulatan ko kayo sapagkat kayo ang tagapangalaga sa sambahayan ng inyong panginoon, at nasa pamamahala ninyo ang kanyang mga karwahe at mga kabayo, mga sandata, at mga lunsod na napapaligiran ng pader. Piliin ninyo ang pinakamahusay sa mga anak ng inyong panginoon. Gawin ninyo siyang hari at ipagtanggol ninyo siya.” Kinilabutan sa takot ang mga pinuno sa Samaria sapagkat naisip nila na kung ang dalawang hari ay walang nagawa laban kay Jehu, lalong wala silang magagawa. Kaya, sinagot nila ang sulat ni Jehu at kanilang sinabi, “Nakahanda kaming paalipin sa inyo. Susundin namin ang lahat ng ipag-uutos ninyo sa amin. Hindi kami maglalagay ng hari. Gawin na po ninyo ang inaakala ninyong mabuti.” Sinulatan sila uli ni Jehu. Ang sabi sa sulat: “Kung talagang kampi kayo sa akin at handang sumunod sa mga utos ko, pugutan ninyo ng ulo ang mga anak ng inyong panginoon at dalhin dito sa Jezreel bukas ng ganitong oras.” Ang pitumpung anak ni Haring Ahab ay nasa pangangalaga ng mga pangunahing lalaki ng lunsod. Pagkatanggap nila sa sulat, pinugutan nila ng ulo ang mga anak ng hari, at ang mga ulo'y inilagay sa mga basket at ipinadala kay Jehu sa Jezreel. Pagdating doon, sinabi sa kanya ng tagapagbalita, “Narito na po ang mga ulo ng mga anak ni Ahab.” Sinabi ni Jehu, “Pagdalawahin ninyong bunton sa may pagpasok ng bayan at hayaan ninyo roon hanggang bukas ng umaga.” Kinaumagahan, lumabas siya ng palasyo at sinabi sa mga tao, “Kayo ang humatol: kung ako ang pumatay sa aking panginoon, sino naman ang pumatay sa mga ito? Natupad ngayon ang lahat ng sinabi ni Yahweh tungkol kay Ahab sa pamamagitan ni Propeta Elias.” Wala ngang itinira si Jehu sa sambahayan ni Ahab. Pinatay niyang lahat ang tauhan nito at mga kaibigan, pati ang mga pari. Pagkatapos, pumunta si Jehu sa Samaria. Sa daan, sa may lugar na tinatawag na Silungan ng mga Pastol, ay nakasalubong niya ang mga kamag-anak ni Haring Ahazias ng Juda. Sila'y tinanong niya, “Sino kayo?” “Mga kamag-anak po ni Haring Ahazias. Naparito kami upang dalawin ang mga anak ng hari at ng reyna,” sagot nila. Ipinahuli niya ang mga ito at ipinapatay sa may hukay, malapit sa Silungan; wala siyang ipinatirang buháy. Lahat-lahat ng napatay ay apatnapu't dalawa. Nang umalis doon si Jehu, nakasalubong niya si Jonadad na anak ni Recab. Binati siya ni Jehu at tinanong, “Ikaw ba'y buong pusong nakikiisa sa akin?” “Oo,” sagot nito. “Kung ganoon,” sabi ni Jehu, “sumakay ka sa aking karwahe.” At inalalayan niya ito sa pagsakay. Sinabi pa niya, “Isasama kita para makita mo kung gaano ako katapat kay Yahweh.” At nagpatuloy silang magkasama sa karwahe. Pagdating sa Samaria, pinatay niyang lahat ang natitira pang kamag-anak ni Ahab; wala siyang itinirang buháy, tulad ng sinabi ni Yahweh kay Elias. Tinipon ni Jehu ang mga tao at sinabi niya, “Hindi masyadong pinaglingkuran ni Ahab si Baal, ngunit higit ko siyang paglilingkuran. Tawagin ninyo ang lahat ng mga propeta, mga pari at mga tagasunod ni Baal, at gagawa tayo ng isang malaking paghahandog kay Baal. Kailangang makasama ang lahat ng tagasunod ni Baal. Papatayin ang sinumang hindi sasama.” Ngunit paraan lamang ito ni Jehu upang mapatay niyang lahat ang mga sumasamba kay Baal. Iniutos niya, “Ipahayag ninyong tayo'y mag-uukol ng pagsamba para kay Baal.” At ganoon nga ang ginawa nila. Ang pahayag na ito'y ipinaabot niya sa buong Israel at dumalo naman ang lahat ng sumasamba kay Baal kaya't punung-puno ang templo ni Baal. Sinabi ni Jehu sa tagapag-ingat ng mga kasuotan sa templo, “Ilabas mong lahat ang kasuotan at ipasuot sa mga sumasamba kay Baal.” Sumunod naman ito. Pumasok siya sa templo, kasama si Jonadad na anak ni Recab. Sinabi niya sa mga lingkod ni Baal, “Tingnan ninyong mabuti at tiyaking walang mga lingkod si Yahweh na napasama sa inyo.” Pumasok sila upang ialay ang mga handog na susunugin. Si Jehu ay naglagay ng walumpung tauhan sa labas ng templo at pinagbilinan ng ganito: “Bantayan ninyong mabuti ang mga taong ito. Kayo ang papatayin ko kapag may nakatakas.” Nang maialay na ang mga handog na susunugin, pinapasok niya ang mga kawal at mga pinuno at ipinapatay ang lahat ng nasa loob, saka isa-isang kinaladkad palabas. Nagtuloy sila sa kaloob-looban ng templo, inilabas ang mga sagradong haligi sa templo ni Baal at sinunog. Pagkatapos, winasak nila ang rebulto ni Baal at iginuho ang templo. At ang templo ay ginawa nilang tapunan ng dumi hanggang sa ngayon. Ganoon ang ginawa ni Jehu upang alisin sa Israel ang pagsamba kay Baal. Ngunit tinularan din niya ang kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na sumamba sa guyang ginto na nasa Bethel at Dan na siya namang naging dahilan ng pagkakasala ng Israel. Sinabi ni Yahweh kay Jehu, “Dahil sa paglipol mo sa sambahayan ni Ahab na siya kong nais mangyari, sa sambayanan mo magmumula ang hari ng Israel, hanggang sa ikaapat na salinlahi.” Ngunit si Jehu ay hindi nagpatuloy sa pagsunod sa Kautusan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Tinularan niya ang masasamang gawa ni Jeroboam na naghatid sa Israel sa pagkakasala. Nang panahong iyon, pinabayaan ni Yahweh na masakop ng ibang kaharian ang ibang lupain ng Israel. Unti-unti na silang nasasakop ni Hazael. Nakuha na sa kanila ang gawing silangan ng Jordan: ang buong Gilead, Gad, Ruben at Manases mula sa Aroer, sa may kapatagan ng Arnon, pati ang Gilead at ang Bashan. Ang iba pang ginawa ni Jehu ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Namatay siya at inilibing sa Samaria at ang anak niyang si Joahaz ang pumalit sa kanya bilang hari. Naghari si Jehu sa Israel sa loob ng dalawampu't walong taon. Nang malaman ni Atalia na patay na ang anak niyang si Ahazias, sinikap niyang patayin ang lahat ng kamag-anak ng hari. Ngunit si Joas na anak ni Ahazias ay naitakas ng tiya niyang si Jehoseba na anak ni Haring Jehoram at kapatid ni Ahazias. Itinago niya ito pati ang tagapag-alaga sa isang silid kaya hindi napatay ni Atalia. Pagkatapos, dinala niya ito sa Templo ni Yahweh at anim na taóng itinago roon habang si Atalia ang naghahari sa lupain. Ngunit nang ikapitong taon ng pamumuno ni Atalia, ipinatawag ni Joiada ang mga pinuno ng mga bantay ng hari at ng mga bantay sa palasyo at pinapunta sa loob ng Templo. Pinagtibay nila roon ang isang kasunduan sa pangalan ni Yahweh. Pagkatapos, iniharap sila sa anak ng hari. Sinabi niya sa kanila, “Ito ang gagawin ninyo: ang ikatlong bahagi ng mga bantay para sa Araw ng Pamamahinga ay magbabantay sa palasyo ng hari. Ang isang ikatlong bahagi ay sa Pintuang Sur at ang isa pang bahagi ay sa may pagpasok sa likuran ng mga tagapagdala ng balita. Ang dalawang pangkat namang hindi nanunungkulan sa Araw ng Pamamahinga ang magbabantay sa hari. Sinumang lumapit ay patayin ninyo. Huwag ninyong hihiwalayan ang hari kahit saan magpunta.” Sinunod ng mga pinuno ang lahat ng iniutos sa kanila ng paring si Joiada. Isinama nila kay Joiada ang kani-kanilang tauhan, pati ang hindi nakatalagang manungkulan kung Araw ng Pamamahinga. At ibinigay ni Joiada sa mga opisyal ang mga kagamitan ni Haring David: ang mga sandata at pananggalang na nasa Templo ni Yahweh. At bawat kawal ay tumayo sa kanya-kanyang lugar at nakahanda sa anumang mangyayari. Ang iba'y sa gawing timog, ang iba'y sa hilaga, sa paligid ng altar at ng tirahan ng hari. Inilabas ni Joiada ang prinsipe. Kinoronahan niya ito, iniabot ang aklat ng Kautusan, binuhusan ng langis, at ipinahayag na hari. Pagkatapos, nagpalakpakan sila at nagsigawan: “Mabuhay ang hari!” Nang marinig ni Atalia ang ingay ng mga bantay at ng taong-bayan, pinuntahan niya ang mga ito sa Templo ni Yahweh. Pagdating doon, nakita niyang nakatindig ang hari sa tabi ng isang haligi sa harapan ng Templo, tulad ng kaugalian. Ang mga opisyal at ang mga taga-ihip ng trumpeta ay nakatayo sa tabi ng hari. Ang buong bayan naman ay di magkamayaw sa galak at walang malamang gawin sa pag-ihip ng kanilang trumpeta. Nang makita ito ni Atalia, sinira niya ang kanyang kasuotan at malakas na sinabi, “Ito'y isang malaking kataksilan!” Iniutos ng paring si Joiada sa mga opisyal ng hukbo, “Ilabas ang babaing iyan at patayin pati ang sinumang magtatangkang magligtas sa kanya. Ngunit huwag ninyo silang papatayin sa loob ng Templo ni Yahweh.” Siya'y sinunggaban nila, inilabas sa daanan ng mga kabayo ng hari, papasok sa palasyo at doon pinatay. Pagkatapos, pinanumpa ni Joiada si Haring Joas at ang taong-bayan na maging tapat bilang sambayanan ni Yahweh. Pinanumpa rin niya sa isang kasunduan ang hari at ang sambayanan. Pagkatapos, pumunta ang mga tao sa templo ni Baal. Giniba nila ito at winasak pati ang rebulto ni Baal. Pinatay nila sa harap ng altar si Matan na isang pari ni Baal. At si Joiada ay naglagay ng mga bantay sa Templo ni Yahweh. Tinipon niya ang mga pinuno ng mga bantay ng hari at ng mga bantay ng palasyo at sinamahan nila ang hari mula sa Templo ni Yahweh hanggang sa palasyo kasunod ang mga tao. Pumasok si Joas sa pintuan ng bantay at umupo siya sa trono bilang hari. Nagdiwang ang bayan. At naging mapayapa sila mula nang patayin si Atalia sa tirahan ng hari. Si Joas ay pitong taóng gulang nang maging hari ng Juda. Nang ikapitong taon ng paghahari ni Jehu sa Israel, si Joas ay nagsimulang maghari sa Jerusalem. Naghari siya sa loob ng apatnapung taon. Ang kanyang ina ay si Zibia na taga-Beer-seba. Sa buong buhay niya'y naging kalugud-lugod siya kay Yahweh dahil sa pagtuturo sa kanya ng paring si Joiada. Gayunman, hindi niya naipagiba ang mga dambana para sa mga diyus-diyosan kaya nagpatuloy ang mga tao na maghandog ng hain at magsunog ng insenso doon. Minsan, sinabi ni Joas sa mga pari, “Ipunin ninyo sa Templo ang salaping ibinayad kaugnay ng mga handog—ang bayad para sa mga karaniwang handog at ang salaping ibinigay ng kusang-loob. Ang salapi ay tatanggapin ng bawat pari mula sa mga tao upang gamitin sa pagpapaayos ng anumang sira sa Templo.” Ngunit dalawampu't tatlong taon nang naghahari si Joas ay wala pang naipapaayos sa Templo ang mga pari. Kaya ipinatawag ni Haring Joas si Joiada at ang iba pang pari. “Bakit hindi pa ninyo inaayos ang mga sira sa Templo?” tanong niya sa mga ito. “Mula ngayon, hindi na kayo ang tatanggap ng salaping para sa pagpapaayos ng Templo.” Sumang-ayon naman ang mga pari na hindi na sila ang tatanggap ng salapi sa mga tao at hindi na rin sila ang mamamahala sa pagpapaayos ng Templo. Kumuha ng kahon ang paring si Joiada at binutasan niya ang takip nito. Inilagay niya ito sa tabi ng dambana, sa gawing kanan ng pintuan ng Templo ni Yahweh. Doon inilalagay ng mga paring nagbabantay sa pinto ang lahat ng salaping ibinibigay ng mga tao. At kapag marami nang laman ang kahon, binibilang ito ng Pinakapunong pari at ng kalihim ng hari, saka inilalagay sa mga supot. Pagkatapos timbangin ang mga salaping naipon, ibinibigay nila ito sa mga namamahala sa pagpapaayos ng Templo. Ito ang ibinabayad nila sa mga karpintero at sa mga manggagawa, sa mga kantero at sa mga nagtatapyas ng adobe. Dito rin nila kinukuha ang pambili ng mga kahoy, ng mga batong tinapyas at ng iba pang kailangan sa pagpapaayos ng Templo ni Yahweh. Ang nalikom na salaping ito'y hindi nila ginagamit sa paggawa ng mga palangganang pilak, mga pantabas ng mitsa, mga mangkok, mga trumpeta o anumang kasangkapang yari sa ginto o pilak. Lahat ng malikom ay ibinabayad nila sa mga manggagawa at ibinibili ng mga kasangkapan para sa pagpapaayos ng Templo. Hindi na nila hinihingan ng ulat ang mga namamahala sa mga gawain sapagkat matatapat ang mga ito. Ang salaping mula sa handog na pambayad ng kasalanan at ang salaping mula sa handog para sa kapatawaran ng kasalanan ay hindi na inilalagay sa kaban sapagkat nakalaan iyon sa mga pari. Nang panahong iyon, ang lunsod ng Gat ay sinalakay at sinakop ni Hazael na hari ng Siria. Pagkatapos, tinangka naman niyang salakayin ang Jerusalem. Kaya kinuha ni Haring Joas ang mga kaloob na nalikom ng mga ninuno niyang sina Jehoshafat, Jehoram at Ahazias na naging mga hari ng Juda, pati na rin ang mga kaloob na kanyang nalikom. Kinuha rin niya ang mga ginto at pilak sa kabang-yaman ng Templo at ng palasyo, at ipinadala kay Haring Hazael. Dahil dito, hindi na sinalakay ni Hazael ang Jerusalem. Ang iba pang mga ginawa ni Joas ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. Nagkaisa ang kanyang mga opisyal laban sa kanya at pinatay siya ng mga ito sa bayan ng Millo, sa may papuntang Sila. Ang pumatay sa kanya ay ang mga opisyal niyang si Josacar na anak ni Simeat at si Jozabad na anak ni Somer. Inilibing si Joas sa libingan ng mga hari, sa lunsod ni David. Humalili sa kanya ang anak niyang si Amazias bilang hari. Nang ikadalawampu't tatlong taon nang paghahari sa Juda ni Joas na anak ni Ahazias, nagsimula namang maghari sa Israel si Jehoahaz na anak ni Jehu. Naghari siya sa Samaria sa loob ng labimpitong taon. Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sinundan rin niya ang mga masasamang gawain ni Jeroboam na anak ni Nebat, na nanguna sa Israel para magkasala. Nagpakasama rin siyang tulad nila. Dahil dito, nagalit si Yahweh sa Israel kaya hinayaan niyang matalo ito ni Haring Hazael ng Siria at ng anak nitong si Ben-hadad. Nanalangin si Jehoahaz kay Yahweh at pinakinggan naman siya sapagkat nakita ni Yahweh ang kalupitang dinaranas ng Israel sa kamay ng hari ng Siria. Binigyan sila ni Yahweh ng isang tagapagligtas na siyang nagpalaya sa kanila sa kapangyarihan ng Siria. At muling namuhay nang mapayapa ang mga Israelita sa kani-kanilang tahanan. Ngunit hindi pa rin nila tinalikuran ang kasamaan ni Jeroboam na umakay sa Israel para magkasala. Hinayaan nilang manatili sa Samaria ang haliging simbolo ng diyus-diyosang si Ashera. Walang natira sa hukbo ni Jehoahaz maliban sa limampung mangangabayo, sampung karwahe at 10,000 kawal. Parang alikabok na dinurog ni Hazael ang buong hukbo ni Jehoahaz. Ang iba pang ginawa ni Jehoahaz ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Namatay siya at inilibing sa Samaria, sa libingan ng kanyang mga ninuno. Humalili sa kanya ang anak niyang si Jehoas. Nang ikatatlumpu't pitong taon ng paghahari ni Joas sa Juda, si Jehoas na anak ni Jehoahaz naman ay nagsimulang maghari sa Israel. Naghari siya sa Samaria sa loob ng labing-anim na taon. Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Nagpakasama rin siyang tulad ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na nagbulid sa Israel sa pagkakasala. Wala siyang pinag-iba sa kanila. Ang iba pang ginawa ni Jehoas, pati ang pakikipaglaban niya kay Haring Amazias ng Juda ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Namatay si Jehoas at inilibing sa Samaria, sa libingan ng mga hari ng Israel. Si Jeroboam ang humalili sa kanya bilang hari. Si Eliseo ay nagkasakit nang malubha at dinalaw siya ni Haring Jehoas ng Israel. Lumuluha nitong sinabi, “Ama ko, ama ko! Magiting na tagapagtanggol ng Israel!” Iniutos ni Eliseo sa hari, “Kumuha ka ng pana at mga palaso.” Kumuha naman si Jehoas. Muling nag-utos si Eliseo, “Humanda ka sa pagtudla.” Sinabi uli ni Eliseo, “Banatin mo ang pana.” Binanat ng hari ang pana at ipinatong ni Eliseo sa kamay ni Jehoas ang kanyang mga kamay. Pagkatapos, iniutos ni Eliseo, “Buksan mo ang bintanang nakaharap sa Siria at itudla mo ang palaso.” Sinunod naman ito ni Jehoas. Sinabi ni Eliseo, “Iyan ang palaso ng tagumpay ni Yahweh laban sa mga taga-Siria. Lalabanan mo sila sa Afec hanggang sa sila'y malipol. Ngayon, kumuha ka muli ng mga palaso at itudla mo sa lupa.” Sumunod muli si Jehoas. Tatlong beses siyang tumudla sa lupa. Dahil dito'y pagalit na sinabi ni Eliseo, “Bakit tatlong beses ka lamang tumudla? Sana'y lima o anim na beses para lubusan mong malupig ang Siria. Sa ginawa mong iyan, tatlong beses ka lang magtatagumpay laban sa Siria.” Namatay si Eliseo at inilibing. Nang panahong iyon, nakagawian na ng mga Moabita na salakayin ang Israel taun-taon tuwing tagsibol. Minsan, may mga Israelitang naglilibing ng isang lalaki. Walang anu-ano, may natanawan silang pangkat ng mga tulisan na palapit sa kanila. Kaya't sa pagmamadali ay naitapon na lamang nila ang bangkay sa libingan ni Eliseo. Nang ito'y sumayad sa kalansay ni Eliseo, nabuhay ang bangkay at bumangon. Ang Israel ay pinahirapan ni Haring Hazael ng Siria sa buong panahon ng paghahari ni Jehoahaz. Ngunit kinahabagan sila ni Yahweh dahil sa kasunduan niya kina Abraham, Isaac at Jacob. Kaya hanggang ngayo'y hindi niya ito hinayaang lubusang nililipol ni pinababayaan man. Nang mamatay si Haring Hazael ng Siria, ang anak niyang si Ben-hadad ang humalili sa kanya. Tatlong beses siyang natalo ni Jehoas at nabawi nito ang lahat ng bayan ng Israel na nasakop ni Hazael sa panahon ng paghahari ni Jehoahaz na ama ni Jehoas. Nang ikalawang taon ng paghahari ni Jehoas sa Israel, nagsimula namang maghari sa Juda si Amazias na anak ni Joas. Dalawampu't limang taóng gulang siya noon at naghari siya sa loob ng dalawampu't siyam na taon. Ang kanyang ina ay si Jehoadin na taga-Jerusalem. Naging kalugud-lugod din siya sa paningin ni Yahweh kahit hindi siya naging katulad ng ninuno niyang si David. Tulad ng kanyang amang si Jehoas, hindi rin niya ipinagiba ang mga dambana ng mga diyus-diyosan kaya nagpatuloy ang mga tao sa paghahandog at pagsusunog ng insenso doon. Nang matatag na ang kanyang paghahari sa Juda, ipinapatay niya ang mga opisyal na pumatay sa kanyang amang hari. Ngunit hindi niya idinamay ang mga anak ng mga ito. Sinunod niya ang nakasulat sa Kautusan ni Moises: “Hindi dapat parusahan ng kamatayan ang mga magulang dahil sa krimeng nagawa ng mga anak ni ang mga anak dahil sa krimeng nagawa ng mga magulang. Ang nagkasala lamang ang siyang dapat patayin.” Si Amazias ay nakapatay ng sampung libong Edomita sa Libis ng Asin at nasakop niya ang Sela. Tinawag niya itong Jokteel na siya pa ring pangalan nito hanggang ngayon. Pagkatapos, si Amazias ay nagpadala ng sugo kay Haring Jehoas ng Israel, anak ni Jehoahaz at apo ni Jehu. Hinamon niya ito sa isang labanan, “Pumarito ka't harapin mo ako.” Ganito naman ang sagot na ipinadala ni Jehoas sa hari ng Juda, “May isang maliit na puno sa Lebanon na nagpasabi sa isang malaking puno ng sedar sa Lebanon, ‘Ibigay mo ang anak mong babae para maging asawa ng anak ko.’ Dumating ang isang mabangis na hayop sa Lebanon at tinapakan ang maliit na puno. Nang matalo mo ang Edom ay naging palalo ka na. Masiyahan ka na sana sa kasikatan mo at manatili ka na lang sa bahay mo. Bakit naghahanap ka pa ng gulo na ikapapahamak mo at ng buong Juda?” Ngunit hindi pinansin ni Haring Amazias ang sinabi ni Haring Jehoas. Kaya sumalakay ang hukbo ni Jehoas sa Beth-semes na sakop ng Juda. Natalo ng Israel ang Juda at ang mga tauhan nito'y nagkanya-kanyang takas pauwi. Binihag ni Haring Jehoas si Amazias at sinalakay ang Jerusalem. Iginuho niya ang pader nito mula sa Pintuang Efraim hanggang sa Pintuang Sulok; ito'y may habang halos 180 metro. Sinamsam niya ang mga pilak at ginto at ang mga kagamitan sa Templo ni Yahweh at sa kabang-yaman ng palasyo. Nagdala rin siya ng mga bihag nang magbalik siya sa Samaria. Ang iba pang ginawa ni Jehoas pati ang kagitingan sa kanyang pakikidigma kay Haring Amazias ng Juda ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Siya'y namatay at inilibing sa Samaria, sa libingan ng mga hari ng Israel. Pumalit sa kanya bilang hari ang anak niyang si Jeroboam. Si Haring Amazias ng Juda ay nabuhay pa ng labinlimang taon mula nang mamatay si Haring Jehoas ng Israel. Ang iba pang ginawa ni Amazias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. Mayroong pangkat sa Jerusalem na nagkaisang patayin si Amazias kaya tumakas siya sa Laquis. Ngunit siya'y sinundan nila roon at pinatay. Iniuwi sa Jerusalem ang kanyang bangkay sakay ng kabayo at inilibing sa lunsod ni David, sa libingan ng kanyang mga ninuno. Pagkatapos, kinuha ng mga taga-Juda si Azarias na labing-anim na taon pa lamang noon, at ginawang hari bilang kapalit ng kanyang amang si Amazias. Muli niyang ipinatayo ang Elat at ibinalik niya ito sa Juda nang mamatay si Haring Amazias. Nang ikalabing limang taon ng paghahari ni Amazias sa Juda, naging hari ng Israel sa Samaria si Jeroboam. Apatnapu't isang taon siyang naghari. Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh; wala rin siyang pinag-iba sa mga kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na nagbulid sa Israel para magkasala. Bilang katuparan ng sinabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel sa pamamagitan ng lingkod niyang si propeta Jonas na anak ni Amitai ng Gat-hefer, nabawi ni Jeroboam ang dating sakop ng Israel mula sa may pasukan ng Hamat sa hilaga hanggang sa Dagat ng Araba sa timog. Nakita ni Yahweh ang matinding kahirapang dinaranas ng Israel. Halos wala nang ligtas sa kanila, maging malaya o alipin at wala namang ibang maaaring asahan. Ayaw naman ni Yahweh na lubusang mawala sa daigdig ang Israel, kaya iniligtas niya ito sa pamamagitan ni Jeroboam na anak ni Jehoas. Ang iba pang ginawa ni Jeroboam, ang kanyang mga pakikidigma pati ang pagbawi niya sa Damasco at Hamat para sa Israel ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Nang mamatay si Jeroboam, inilibing siya sa Samaria sa libingan ng kanyang mga ninunong hari. Ang anak niyang si Zacarias ang humalili sa kanya bilang hari. Nang ikadalawampu't pitong taon ng paghahari ni Jeroboam sa Israel, si Azarias na anak ni Amazias ay nagsimula namang maghari sa Juda. Labing-anim na taóng gulang siya noon at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng limampu't dalawang taon. Ang kanyang ina ay si Jecolias na taga-Jerusalem. Siya'y naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat sumunod siya sa halimbawa ng kanyang amang si Amazias. Gayunman, hindi niya ipinagiba ang mga dambana ng mga diyus-diyosan kaya nagpatuloy ang mga tao sa pagdadala roon ng mga handog at pagsusunog ng insenso. Pinarusahan siya ni Yahweh at nagkaroon siya ng sakit sa balat na parang ketong hanggang mamatay. Tumira siyang mag-isa sa isang bahay samantalang ang anak niyang si Jotam ang namamahala sa kaharian. Ang iba pang ginawa ni Azarias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. Nang mamatay si Azarias, inilibing siya sa libingan ng kanyang mga ninunong hari, sa lunsod ni David. Ang anak niyang si Jotam ang humalili sa kanya bilang hari. Nang ikatatlumpu't walong taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, si Zacarias na anak ni Jeroboam ay naging hari ng Israel. Naghari siya sa Samaria nang anim na buwan. Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh tulad ng kanyang mga ninuno. Nagpakasama rin siyang tulad ni Jeroboam, anak ni Nebat, na nagbulid sa Israel para magkasala. Si Sallum na anak ni Jabes ay nakipagsabwatan laban kay Zacarias. Pinatay niya ito sa Ibleam at siya ang pumalit bilang hari ng Israel. Ang mga ginawa ni Zacarias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Natupad ang pangako ni Yahweh kay Jehu nang sabihin niya, “Ang mga anak mo hanggang sa ikaapat na salinlahi ang maghahari sa Israel.” Nang ikatatlumpu't siyam na taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, si Sallum naman na anak ni Jabes ay naging hari ng Israel. Siya ay naghari sa Samaria nang isang buwan lamang. Mula sa Tirza, dumating si Menahem na anak ni Gadi at sinalakay ang Samaria. Pinatay niya si Sallum at siya ang pumalit bilang hari. Ang iba pang ginawa ni Sallum pati ang pakikipagsabwatan niya laban kay Zacarias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Mula sa Tirza patungong Samaria, winasak ni Menahem ang Tapua sapagkat ayaw nilang sumuko sa kanya. Wala siyang pinatawad at ipinabiyak niya pati ang tiyan ng mga buntis. Nang ikatatlumpu't siyam na taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, naging hari ng Israel si Menahem na anak ni Gadi. Siya'y naghari sa Samaria nang sampung taon. Tulad ni Jeroboam, anak ni Nebat, na nagbulid sa Israel upang magkasala, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sa panahon ni Menahem, ang Israel ay sinalakay ni Haring Pul ng Asiria. Nagbigay sa kanya si Menahem ng 35,000 kilong pilak upang makuha ang suporta nito sa pagpapalakas ng kanyang paghahari sa Israel. Para matipon ang halagang ito, hiningan niya ng tiglilimampung pirasong pilak ang lahat ng mayayaman sa Israel at ibinigay sa hari ng Asiria. Dahil dito, hindi sinakop ng Asiria ang Israel. Ang iba pang ginawa ni Menahem ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Namatay siya at inilibing at ang anak niyang si Pekahias ang humalili sa kanya bilang hari. Nang ikalimampung taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, naging hari ng Israel si Pekahias na anak ni Menahem. Siya'y naghari sa Samaria nang dalawang taon. Tulad ni Jeroboam, anak ni Nebat, na nagbulid sa Israel upang magkasala, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Si Peka na anak ni Remalias, isa sa mga opisyal sa hukbo ni Pekahias, ay nakipagsabwatan sa limampung taga-Gilead laban kay Pekahias. Pinatay nila si Pekahias sa loob ng nasasakupan ng palasyo sa Samaria, at si Peka ang humalili sa kanya bilang hari ng Israel. Ang iba pang ginawa ni Pekahias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Nang ikalimampu't dalawang taon ng paghahari ni Azarias sa Juda, naging hari ng Israel si Peka na anak ni Remalias. Siya'y naghari sa Samaria nang dalawampung taon. Hindi rin siya naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat tinularan din niya ang kasamaan ni Jeroboam na anak ni Nebat na siyang umakay sa Israel para magkasala. Sa panahon ng paghahari ni Peka, ang Israel ay sinalakay ni Haring Tiglat-pileser ng Asiria at nasakop nito ang Ijon, Abel-bet-maaca, Janoa, Kedes, Hazor, Gilead at Galilea at ang buong Neftali; dinala niyang bihag ang lahat ng naninirahan doon. Nang ikadalawampung taon ng paghahari ni Jotam sa Juda, si Oseas na anak ni Ela ay nakipagsabwatan laban kay Peka. Pinatay niya ito at siya ang humalili bilang hari ng Israel. Ang iba pang ginawa ni Peka ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Nang ikalawang taon ng paghahari ni Peka na anak ni Remalias sa Israel, naging hari ng Juda si Jotam na anak ni Azarias. Dalawampu't limang taóng gulang siya noon at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng labing-anim na taon. Ang kanyang ina ay si Jerusa na anak ni Zadok. Siya ay naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat sinundan niya ang mabuting halimbawa ng kanyang amang si Azarias. Gayunman, hindi rin niya ipinagiba ang mga dambana ng mga diyus-diyosan kaya nagpatuloy ang mga tao sa pagdadala ng mga handog at sa pagsusunog ng mga insenso roon. Siya ang nagpatayo ng pintuan sa gawing hilaga ng Templo ni Yahweh. Ang iba pang ginawa ni Jotam ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. Nang panahong iyon, ang Juda ay ipinasalakay ni Yahweh kina Resin ng Siria at Peka na anak ni Remalias. Namatay si Jotam at inilibing sa lunsod ni David, sa libingan ng kanyang mga ninunong hari. Humalili sa kanya ang anak niyang si Ahaz. Nang ikalabimpitong taon ng paghahari ni Peka na anak ni Remalias sa Israel, si Ahaz na anak ni Jotam ay naging hari ng Juda. Dalawampung taóng gulang siya nang maghari sa Jerusalem. Naghari siya sa loob ng labing-anim na taon. Hindi siya naging kalugud-lugod sa Diyos niyang si Yahweh sapagkat hindi niya sinundan ang mabuting halimbawa ng kanyang ninunong si David, sa halip ang sinundan niya ay ang masamang halimbawa ng mga naging hari ng Israel. Ipinasunog pa niya bilang handog ang anak niyang lalaki. Ito'y isang kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ni Yahweh sa mga Israelita. Nagdala siya ng mga handog at nagsunog ng insenso sa mga dambana ng mga diyus-diyosan, sa mga burol, at sa bawat lilim ng mga punongkahoy. Ang Juda ay sinalakay ni Haring Rezin ng Siria at ni Haring Peka ng Israel. Kinubkob nila ang Jerusalem ngunit hindi nila ito magapi. Nang panahong iyon, ang Elat ay nabawi ng hari ng Edom; naitaboy nila ang mga taga-Juda. Mula noon, ang mga taga-Edom na ang tumira roon. Samantala, si Ahaz ay nagpadala ng sugo kay Haring Tiglat-pileser ng Asiria at kanyang ipinasabi, “Ako ay tapat mong lingkod. Iligtas mo ako sa mga hari ng Siria at Israel na sumasalakay sa akin.” Tinipon ni Ahaz ang lahat ng makita niyang pilak at ginto sa Templo ni Yahweh at sa kabang-yaman ng palasyo at ipinadala sa hari ng Asiria. Dininig naman ng hari ng Asiria ang panawagan ni Ahaz. Sinalakay nito ang Damasco, dinalang-bihag sa Kir ang mga tagaroon, at pinatay si Haring Rezin. Nang magpunta sa Damasco si Ahaz para makipagkita kay Tiglat-pileser na hari ng Asiria, nakita niya ang altar doon. Ipinaguhit niya ang plano nito at ipinadala sa paring si Urias. Ginawa naman ni Urias ang altar ayon sa plano ni Haring Ahaz at ito'y ipinatapos niya bago makabalik ang hari. Pagdating ng hari mula sa Damasco, pinagmasdan nito ang altar. Nilapitan niya ito, umakyat siya sa mga baytang at nagsunog ng handog. Inilagay rin niya rito ang handog na pagkaing butil, ibinuhos ang handog na inumin at iwinisik ang dugo ng handog pangkapayapaan. At ang dating altar na tanso sa harap ng Templo ay ipinalipat niya sa gawing hilaga ng bagong altar. Sinabi niya sa paring si Urias, “Lahat ng handog ay sa malaking altar: ang handog na hayop sa umaga at ang handog na pagkaing butil sa gabi, ang hayop at butil na handog ng hari pati ang gayunding mga handog ng mga tao, ang handog na inumin ng mga tao, at ang dugo ng lahat ng handog pangkapayapaan at ng mga hain. Ang altar na tanso naman ay gagamitin ko sa paghahandog na kailangan sa pagsangguni sa mga diyos.” Lahat ng utos ni Haring Ahaz ay sinunod ng paring si Urias. Sinira ni Haring Ahaz ang mga patungang tanso at inalis ang mga palangganang naroon. Inalis din niya ang malaking tangke na yari sa tanso sa patungan nitong mga bakang tanso at inilipat sa isang patungang bato. Ipinaalis din niya ang trono ng hari sa bulwagan ng Templo at ipinasara ang daanan ng hari papunta sa Templo ni Yahweh upang pagbigyan ang hari ng Asiria. Ang iba pang ginawa ni Haring Ahaz ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. Namatay siya at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninunong hari, sa lunsod ni David. Ang anak niyang si Ezequias ang humalili sa kanya bilang hari. Nang ikalabindalawang taon ng paghahari ni Ahaz sa Juda, naging hari ng Israel si Oseas na anak ni Ela. Siya'y naghari sa Samaria nang siyam na taon. Bagama't hindi tulad ng mga hari ng Israel na nauna sa kanya, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sinalakay siya at sinakop ni Haring Salmaneser ng Asiria. Napasailalim sa Asiria ang kanyang kaharian at pinagbuwis taun-taon. Natuklasan ni Haring Salmaneser ng Asiria na si Haring Oseas ay hindi tapat sa kanya: ito'y nakipagsabwatan kay Haring So ng Egipto at hindi na nagbayad ng buwis. Kaya, ipinadakip niya si Haring Oseas at ipinabilanggo. Nilusob ni Salmaneser ang Israel, at tatlong taóng kinubkob ng mga hukbo ang Samaria. Nang ikasiyam na taon ng paghahari ni Oseas, ang Samaria ay sinakop ng hari ng Asiria. Dinala niyang bihag ang mga Israelita sa Asiria at ikinalat sa Hala, ang iba'y sa Ilog Habor, sa Gozan, at sa mga lunsod ng Medes. Nangyari ito sa mga Israelita sapagkat nagkasala sila kay Yahweh na kanilang Diyos na naglabas sa kanila sa Egipto, mula sa pagpapahirap ng Faraon na hari ng Egipto. Sumamba rin sila sa ibang mga diyos at ginaya ang mga kaugalian ng mga bansang itinaboy ni Yahweh mula sa lupaing sinakop nila. Bukod dito, sumunod sila sa mga kaugaliang pinasimulan ng mga hari ng Israel. Sila'y gumawa ng mga bagay na labag sa kalooban ni Yahweh. Pumili sila ng mga sagradong burol sa bawat bayan, mula sa pinakamaliit na nayon hanggang sa pinakamalaking lunsod. Naglagay din sila ng mga haligi at mga rebulto ni Ashera sa mga burol at sa bawat lilim ng mga punongkahoy. Doon sila nagsusunog ng insenso tulad ng ginagawa ng mga bansang pinalayas ni Yahweh sa mga lupaing sinakop nila. Nagalit si Yahweh sa kanila dahil sa mga kasamaang ito. Naglingkod sila sa mga diyus-diyosan na mahigpit na ipinagbabawal ni Yahweh. Kahit na binalaan ni Yahweh ang Israel at ang Juda sa pamamagitan ng kanyang mga sugo at mga propeta nang sabihin niya, “Talikuran ninyo ang inyong mga kasamaan at mamuhay kayo ayon sa kautusang ibinigay ko sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ng aking mga lingkod na propeta,” hindi nila ito pinakinggan. Sa halip, nagmatigas sila tulad ng kanilang mga ninuno na hindi nagtiwala kay Yahweh na kanilang Diyos. Itinakwil nila ang kanyang mga utos, sinira ang kasunduang ginawa ni Yahweh sa kanilang mga ninuno, at binale-wala ang mga babala niya sa kanila. Sila'y naglingkod sa mga diyos na walang kabuluhan kaya nawalan din sila ng kabuluhan. Tinularan nila ang mga kaugalian ng mga bansang nakapaligid sa kanila na sa simula pa'y ipinagbawal na ni Yahweh. Nilabag nilang lahat ang mga utos ni Yahweh na kanilang Diyos at gumawa ng dalawang guyang metal. Iginawa rin nila ng rebulto ang diyus-diyosang si Ashera. Sinamba nila ang araw, buwan at mga bituin at naglingkod din kay Baal. Sinunog nila bilang handog ang kanilang mga anak na lalaki't babae. Sumangguni sila sa mga manghuhula at sa mga nakikipag-ugnay sa espiritu ng mga patay. Nalulong sila sa paggawa ng masama. Dahil dito, labis na napoot sa kanila si Yahweh, kaya itinaboy silang lahat mula sa kanyang paningin, maliban sa lipi ni Juda. Ngunit hindi rin sumunod ang Juda sa mga utos ni Yahweh na kanilang Diyos at tinularan nila ang mga kaugalian ng Israel. Itinakwil ni Yahweh ang lahat ng mga Israelita at pinabayaan niya sila sa malulupit na kaaway hanggang sila'y lubusang malupig. Matapos paghiwalayin ni Yahweh ang Israel at ang Juda na kaharian ni David, ginawa ng Israel na hari si Jeroboam na anak ni Nebat. Siya ang nag-udyok sa Israel na talikuran si Yahweh at gumawa ng mga karumal-dumal na kasalanan. Tinularan ng Israel ang mga kasamaan ni Jeroboam, at hindi sila nagbago kaya itinakwil sila ni Yahweh, tulad ng babala sa kanila ng mga propeta. Ang mga Israelita ay dinalang-bihag sa Asiria kung saan sila ay nanirahan mula noon. Ang Samaria ay pinatirhan ng hari ng Asiria sa mga taga-Babilonia, Cuta, Ava, Hamat at Sefarvaim. Nang bago pa lamang sila roon, hindi sila sumasamba kay Yahweh kaya sila'y ipinalusob niya at ipinalapa sa mga leon. May nagsabi sa hari ng Asiria, “Hindi alam ng mga taong pinatira mo sa mga lunsod ng Samaria kung ano ang batas ng diyos doon. Dahil dito, sila'y ipinakakain niya sa mga leon.” Kaya, ipinasundo ng hari ng Asiria ang isa sa mga paring kasama ng mga Israelitang dinalang-bihag, at pinatira sa Samaria upang ituro sa mga tao ang kautusan ng diyos ng lupaing iyon. At ibinalik nga nila sa Samaria ang isa sa mga paring dinalang-bihag at ito ay nanirahan sa Bethel. Itinuro niya sa mga tao kung paano nila sasambahin si Yahweh. Ngunit ang mga taong pinatira sa Samaria ay nagpatuloy na gumawa ng kanilang mga diyus-diyosan at inilagay nila ang mga iyon sa mga dambana sa mga sagradong burol na ginawa ng mga Israelita. Si Sucot-benot ang diyos na ginawa ng mga taga-Babilonia; si Nergal ang ginawa ng mga taga-Cuta; si Asima ang sa mga taga-Hamat; si Nibkaz at Tartak ang sa mga taga-Abas; si Adramelec at Anamelec naman ang sa mga taga-Sefarvaim. Nagsunog sila ng kanilang mga anak bilang handog sa mga diyus-diyosang ito. Sinamba rin ng mga taong ito si Yahweh at sila'y pumili ng iba't ibang uri ng tao bilang mga pari, at ang mga ito ang naghahandog sa mga dambana sa mga sagradong burol. Ngunit patuloy pa rin sila sa pagsamba sa kanilang mga diyus-diyosan, tulad ng kaugalian sa mga bansang pinanggalingan nila. Simula noon, iyon na ang naging paraan ng kanilang pagsamba. Hindi nila sinasamba si Yahweh sa tamang paraan. Hindi rin nila sinusunod ang mga tuntunin at kautusang ibinigay sa mga anak ni Jacob na pinangalanan niyang Israel. Gumawa si Yahweh ng kasunduan sa kanila at inutusan sila na, “Huwag kayong sasamba sa ibang diyos, ni yuyukod o maglilingkod o maghahandog sa kanila. Ang sasambahin ninyo ay si Yahweh na siyang naglabas sa inyo sa Egipto sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan. Siya lamang ang inyong paglilingkuran at hahandugan. Susundin ninyong mabuti ang lahat ng mga utos at mga tuntuning ibinigay sa inyo. Huwag kayong sasamba sa ibang diyos, at huwag ninyong kalilimutan ang kasunduang ginawa ko sa inyo. Si Yahweh lamang ang inyong sambahin at ililigtas niya kayo sa inyong mga kaaway.” Ngunit ayaw nilang sumunod kundi nagpatuloy sila sa dati nilang mga kaugalian. Sumamba nga sila kay Yahweh ngunit sumamba rin sila sa kanilang mga diyus-diyosan. Hanggang ngayo'y ganoon pa rin ang kanilang ginagawa maging ng kanilang mga kaapu-apuhan. Nang ikatlong taon ng paghahari sa Israel ni Oseas na anak ni Ela, naging hari naman ng Juda si Ezequias na anak ni Ahaz. Siya'y dalawampu't limang taóng gulang noon at dalawampu't siyam na taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang ina niya ay si Abi na anak ni Zacarias. Naging kalugud-lugod siya kay Yahweh sapagkat sumunod siya sa mabuting halimbawa ng ninuno niyang si David. Ipinagiba niya ang mga dambana sa mga sagradong burol at ipinasira ang mga sinasambang haligi, pati ang rebulto ni Ashera. Dinurog din niya ang tansong ahas na ginawa ni Moises na kung tawagin ay Nehustan sapagkat hanggang sa panahong iyon ay pinagsusunugan pa nila ito ng insenso. Nagtiwala si Ezequias kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. Wala siyang katulad sa mga naging hari ng Juda, nauna man o sumunod sa kanya. Nanatili siyang tapat kay Yahweh at naging masunurin sa kautusang ibinigay ni Yahweh kay Moises kaya't pinatnubayan siya ni Yahweh at nagtagumpay siya sa kanyang mga gawain. Naghimagsik siya sa hari ng Asiria at tumangging pasakop dito. Natalo niya ang mga Filisteo hanggang sa Gaza at sinakop ang lahat ng bayan sa paligid nito, mula sa pinakamaliit na nayon hanggang sa pinakamalaking lunsod. Nang ikaapat na taon ng paghahari ni Ezequias at ikapito naman ni Oseas sa Israel, kinubkob ni Haring Salmaneser ng Asiria ang Samaria, at nasakop ito pagkaraan ng tatlong taóng pagkubkob. Noon ay ikaanim na taon ng paghahari ni Ezequias at ikasiyam naman ni Oseas sa Israel. Ang mga Israelita ay binihag ng hari ng Asiria, dinala sa Asiria at pinatira sa Hala, sa Ilog Habor, na nasa Gozan at sa mga lunsod ng Medes. Nangyari ito sa kanila sapagkat sinuway nila si Yahweh na kanilang Diyos at sinira ang kasunduang ginawa sa kanila sa pamamagitan ni Moises na lingkod ni Yahweh. Nang ikalabing apat na taon ng paghahari ni Ezequias, sinakop ni Senaquerib na hari ng Asiria ang mga lunsod ng Juda na napapaligiran ng pader. Kaya, si Haring Ezequias ng Juda ay nagpadala ng ganitong mensahe kay Haring Senaquerib ng Asiria na noon ay nasa Laquis, “Nagkamali ako. Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng hingin mo, huwag mo lang kaming sakupin.” Dahil dito, sila'y hiningan ni Senaquerib ng 10,500 kilong pilak at 1,050 kilong ginto. Tinipon ni Ezequias ang lahat ng pilak sa Templo at sa kabang-yaman ng palasyo at ibinigay kay Senaquerib. Pati ang mga gintong nakabalot sa mga pinto ng Templo at sa mga poste sa pintuan ay tinuklap niya at ibinigay din sa hari ng Asiria. Mula sa Laquis, ang heneral, ang pinuno ng mga lingkod at ang pinuno ng mga tagapagbigay-inumin sa hari, kasama ang maraming kawal, ay sinugo ni Haring Senaquerib kay Haring Ezequias sa Jerusalem. Pagdating doon, humanay sila sa may daluyan ng tubig mula sa tangke sa itaas sa may daan papunta sa lugar na pinagtatrabahuhan ng manggagawa ng tela. Nang ipatawag nila ang hari, dumating si Eliakim na anak ni Hilkias at tagapamahala sa palasyo, si Sebna na kalihim ng hari, at si Joa na anak ni Asaf at namamahala sa pagtatago ng mga dokumento. Sinabi sa kanila ng isang opisyal ng Asiria, “Sabihin ninyo kay Ezequias na ipinapatanong ng makapangyarihang hari ng Asiria kung ano ang kanyang ipinagmamalaki. Sabihin din ninyo sa kanya na ang digmaan ay hindi nakukuha sa salita. Sino ba ang kanyang inaasahan at naghihimagsik siya laban sa makapangyarihang hari ng Asiria? Ang Egipto ba na parang baling tungkod na kung hahawakan ay makakasakit? Hindi rin niya maaasahan ang tulong ni Yahweh. Hindi ba't ipinagiba na niya ang mga altar nito? Hindi ba't sinabi niya sa mga taga-Juda na sa altar lamang na nasa Jerusalem dapat sumamba? Kung gusto niya, bibigyan ko pa siya ng dalawang libong kabayo kung may sapat siyang tauhan na sasakay sa mga ito. Kung sa mga karwahe at mangangabayo ng Egipto siya aasa, paano niya malalabanan kahit na ang pinakamahinang kawal ng aming hari? Huwag niyang isiping hindi alam ni Yahweh na ako'y naparito upang wasakin ang Jerusalem. Siya pa nga ang maysabi sa aking salakayin ko ito at wasakin.” Sinabi nina Eliakim, Sebna at Joa sa opisyal ng Asiria, “Nakikiusap kami sa inyo na sa wikang Arameo na lamang ninyo kami kausapin sapagkat naiintindihan din namin ito. Huwag ninyo kaming kausapin sa wikang Hebreo sapagkat nakikinig ang aming mga kababayan na nakatira sa tabi ng pader ng lunsod.” Ngunit sinabi ng opisyal, “Ito'y hindi lamang ipinapasabi ng aming panginoon sa inyo at sa inyong hari kundi pati sa inyong mga kababayan, sapagkat pare-pareho kayong kakain ng inyong dumi at iinom ng inyong ihi.” Tumayo ang opisyal at sumigaw sa wikang Hebreo, “Ipinapasabi sa inyo ng makapangyarihang hari ng Asiria, na huwag ninyong paniwalaan si Ezequias! Hindi niya kayo maipagtatanggol laban sa aming hari. Huwag kayong maniniwala sa kanya kahit sabihin sa inyo na ililigtas kayo ni Yahweh, at ang lunsod na ito ay hindi masasakop ng hari ng Asiria. Huwag ninyong papakinggan si Ezequias. Ipinapasabi pa ng hari ng Asiria na sumuko na kayo at makipagkasundo sa kanya. At makakain ninyo ang bunga ng inyong mga ubasan at mga punong igos. Iinom din kayo ng tubig sa inyong mga balon, hanggang sa mailipat ko kayo sa isang lupaing tulad ng inyong lupain na sagana sa butil at alak, sa tinapay at bungangkahoy sa mga olibo, langis at pulot. Ang piliin ninyo'y buhay at hindi kamatayan. Huwag ninyong paniwalaan si Ezequias kahit sabihin niyang ililigtas kayo ni Yahweh. Mayroon na bang diyos ng alinmang bansa ang nakapagligtas sa kanila mula sa kapangyarihan ng hari ng Asiria? Ang Samaria ba'y nailigtas ng mga diyos ng Hamat, ng Arpad, ng Sefarvaim, ng Hena at ng Iva nang lusubin ito ng aming hari? Kung ang bayan nila'y hindi nailigtas ng mga diyos na iyon laban sa aming hari, paano ngang maililigtas ni Yahweh ang Jerusalem?” Hindi sumagot kahit isang salita ang mga tao sapagkat iyon ang bilin ni Haring Ezequias. Pinunit nina Sebna, Joa at Eliakim na anak ni Hilkias ang kanilang kasuotan at nagbalik kay Ezequias. Isinalaysay nila sa hari ang sinabi sa kanila ng opisyal ng Asiria. Nang marinig ni Ezequias ang ipinapasabi ni Haring Senaquerib ng Asiria, pinunit niya ang kanyang kasuotan. Nagsuot siya ng damit-sako at pumasok sa Templo. Pinagsuot din niya ng damit-sako si Eliakim na tagapamahala sa palasyo, ang kalihim niyang si Sebna at ang matatandang pari at pinapunta kay propeta Isaias na anak ni Amoz. Ipinasabi niya, “Ngayon ay araw ng kahirapan, kaparusahan at kahihiyan. Para tayong mga batang dapat nang isilang ngunit hindi mailabas sapagkat ang ina nito'y wala nang lakas. Narinig sana ng Diyos mong si Yahweh ang lahat ng sinabi ng opisyal na sinugo ni Haring Senaquerib ng Asiria upang laitin ang Diyos na buháy. Parusahan nawa ni Yahweh na iyong Diyos ang mga lumait sa kanya. Kaya, ipanalangin mo ang mga nalalabi pa sa bayan ng Diyos.” Pagdating ng mga inutusan ng hari, sinabi ni Isaias sa mga ito, “Sabihin ninyo sa inyong hari na ipinapasabi ni Yahweh na huwag siyang matakot sa mga panlalait ng hari ng Asiria. Magpapadala si Yahweh ng masamang balita sa hari ng Asiria at ito'y babalik sa kanyang lupain at doon na siya ipapapatay ni Yahweh.” Umuwi na ang opisyal ng Asiria nang mabalitaan niya na umalis na sa Laquis ang hari ng Asiria. Nang siya'y makabalik, nadatnan niya na sinasalakay nito ang Libna. Dumating noon ang balita sa hari ng Asiria na sila'y lulusubin ni Haring Tirhaka ng Etiopia kaya nagsugo siya uli kay Ezequias at ipinasabi ang ganito: “Huwag mo nang dayain ang iyong sarili na sa pamamagitan ng pananalig mo sa iyong Diyos ay maliligtas ang Jerusalem sa kamay ng hari ng Asiria. Alam mo naman kung paano natalo ng mga naunang hari ng Asiria ang ibang lupain. Hindi ka rin makakaligtas sa akin. Nailigtas ba ng kanilang mga diyos ang Gozan, ang Haran, ang Rezef at ang mga taga-Eden sa Telasar na tinalo ng aking mga ninuno? Nasaan ang mga hari ng Hamat, Arpad, Sefarvaim, Hena o Iva?” Binasa ni Ezequias ang sulat na ibinigay sa kanya ng mga sugo ni Senaquerib. Pagkatapos, pumasok siya sa Templo at inilatag ang sulat sa harapan ni Yahweh. Nanalangin si Ezequias ng ganito: “Yahweh, Diyos ng Israel na nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin. Kayo lamang ang Diyos sa lahat ng kaharian sa ibabaw ng lupa. Kayo ang lumikha ng langit at lupa. Pakinggan po ninyo ako, Yahweh. Narinig ninyo ang pag-alipusta ni Senaquerib sa inyo, Diyos na buháy. Alam po namin, Yahweh, na marami nang bansang winasak ang mga hari ng Asiria. Nagawa nilang sunugin ang mga diyos ng mga bansang iyon sapagkat hindi naman talagang Diyos ang mga iyon kundi mga kahoy at batong inanyuan ng mga tao. Kaya ngayon, Yahweh, iligtas po ninyo kami kay Senaquerib para malaman ng buong daigdig na kayo lamang ang kaisa-isang Diyos.” Nagpadala ng sugo si Isaias kay Ezequias at ipinasabi ang ganito: “Ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, na narinig niya ang panalangin mo tungkol sa hari ng Asiria. Ito naman ang sinasabi ni Yahweh tungkol kay Senaquerib: ‘Pinagtatawanan ka, Senaquerib, ng anak ng Zion; kinukutya ka at nililibak! Inaalipusta ka ng lunsod ng Jerusalem. “‘Sino ba ang iyong nilalait at pinagtatawanan, at hinahamak ng iyong pagsigaw? Hindi mo na ako iginalang, ang Banal na Diyos ng Israel! Ang paghamak mo kay Yahweh ay ipinahayag ng iyong mga sugo. Ang ipinagmamalaki mo'y maraming karwahe, na kayang akyatin ang matataas na bundok ng Lebanon. Pinagpuputol mo ang malalaking sedar at mga piling sipres doon; napasok mo rin ang liblib na lugar, makapal na gubat ay iyong ginalugad. Humukay ka ng maraming balon, tubig ng dayuhan ay iyong ininom. Ang lahat ng batis sa bansang Egipto ay pawang natuyo nang matapakan mo. “‘Tila hindi mo pa nababalitaan ang aking balak noon pa mang araw? Ang lahat ng iyon ngayo'y nagaganap matitibay na lunsod na napapaligiran ng pader, napabagsak mong lahat at ngayo'y bunton ng pagkawasak. Ang mga nakatira sa mga nasabing bayan, pawang napahiya at ang lakas ay naparam. Ang kanilang katulad at kabagay ay halamang lanta na sumusupling pa lamang, natuyong damo sa ibabaw ng bubong. “‘Lahat ng ginagawa mo'y aking nalalaman, ang pinagmulan mo at patutunguhan. Hindi na rin lingid ang iyong isipan, alam kong sa akin ika'y nasusuklam. Dahil sa matinding poot mo sa akin, at kahambugan mong sa aki'y di lihim, ang ilong mong iya'y aking tatalian at ang iyong bibig, aking bubusalan, ibabalik kita sa iyong pinagmulan.’” Sinabi ni Isaias, “Haring Ezequias, ito ay magiging isang palatandaan para sa iyo: Sa taóng ito, ang kakainin mo'y bunga ng mga supling ng pinag-anihan. At sa susunod na taon ay mga bunga rin noon. Ngunit sa ikatlong taon, maghasik kayo at mag-ani, magtanim ng ubas at kainin ang mga bunga niyon. At ang mga natirang buháy sa sambahayan ni Juda, ay muling dadami, mag-uugat at mamumunga nang sagana. May makakaligtas sa Jerusalem, may matitirang buháy sa Zion. Sapagkat ito ang gustong mangyari ni Yahweh.” Ito naman ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa hari ng Asiria: “Hindi siya makakapasok sa lunsod na ito ni makakatudla kahit isang palaso. Hindi niya ito malulusob ni mapapaligiran. Kung paano siya dumating, ganoon din siya aalis. Hindi niya masasakop ang lunsod na ito. Ipagtatanggol ko at ililigtas ang lunsod na ito alang-alang sa aking karangalan at alang-alang sa aking pangako kay David na aking lingkod.” Nang gabing iyon, pinasok ng anghel ni Yahweh ang kampo ng mga taga-Asiria at 185,000 kawal ang pinatay nito. Kinabukasan, nang bumangon ang mga hindi napatay, nakita nilang naghambalang ang mga bangkay. Kaya nagmamadaling umuwi sa Nineve si Haring Senaquerib. Minsan, nang si Senaquerib ay nananalangin sa templo ng diyos niyang si Nisroc, pinatay siya sa pamamagitan ng tabak ng dalawa niyang anak na sina Adramelec at Sarezer. Pagkatapos, nagtago ang mga ito sa lupain ng Ararat. At si Ezarhadon ang humalili sa kanyang amang si Haring Senaquerib. Nang panahong iyon, nagkasakit nang malubha si Haring Ezequias. Dinalaw siya ng propetang si Isaias na anak ni Amoz at sinabi sa kanya, “Ipinapasabi ni Yahweh na ayusin mo na ang iyong kaharian sapagkat malapit ka nang mamatay. Hindi ka na gagaling sa sakit mong iyan.” Humarap si Haring Ezequias sa dingding at nanalangin kay Yahweh, “Alalahanin po sana ninyo, Yahweh, na namuhay akong tapat sa inyo. Buong puso ko pong ginawa ang lahat ng bagay ayon sa iyong kagustuhan.” At buong kapaitang umiyak si Ezequias. Hindi pa nakakalayo si Isaias sa gitnang bulwagan ng palasyo nang sabihin sa kanya ni Yahweh, “Bumalik ka. Sabihin mo kay Ezequias, ang hari ng aking bayan, ‘Narinig ko ang iyong panalangin at nakita ko ang iyong pagluha. Kaya, pagagalingin kita. Sa ikatlong araw, makakapasok ka na sa Templo. Mabubuhay ka pa ng labinlimang taon. Hindi lamang iyan, ililigtas pa kita at ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria. Ipagtatanggol ko ang lunsod na ito alang-alang sa aking karangalan at sa aking pangako kay David na aking lingkod.’” Pagbalik ni Isaias kay Ezequias, iniutos niya sa mga katulong ng hari na tapalan ng katas ng igos ang bukol ng hari upang ito'y gumaling. Ginawa nga nila iyon at siya'y gumaling. Itinanong ni Ezequias kay Isaias, “Ano ang palatandaan na pagagalingin ako ni Yahweh at makakapasok na ako sa Templo pagkalipas ng tatlong araw?” Sumagot si Isaias, “Alin ang mas gusto mong palatandaang ibibigay sa iyo ni Yahweh: ang aninong bumababa o umaakyat ng sampung baytang?” Sumagot si Ezequias, “Madali sa anino ang umakyat kaysa bumabâ ng sampung baytang. Pababain mo ito ng sampung baytang.” Nanalangin si Isaias kay Yahweh at ang anino'y bumabâ ng sampung baytang sa hagdanang inilagay ni Ahaz. Nabalitaan ni Merodac-Baladan, hari ng Babilonia at anak ni Baladan, na may sakit si Ezequias kaya sinulatan niya ito at pinadalhan ng regalo. Ang mga sugo ni Merodac-Baladan ay malugod namang tinanggap ni Ezequias. Ipinakita pa niya sa mga ito ang kayamanan ng kanyang kaharian: ang mga pilak, ginto, pabango, mamahaling langis, ang kanyang mga kasangkapang pandigma at lahat ng nasa kanyang taguan; wala siyang hindi ipinagmalaki sa kanila. Pagkatapos, nilapitan siya ng propetang si Isaias at tinanong, “Tagasaan ba sila at ano ang sinabi nila sa iyo?” “Galing sila sa isang malayong lupain, sa Babilonia,” sagot ni Ezequias. “Ano ba ang nakita nila sa iyong palasyo?” tanong uli ni Isaias. “Ipinakita ko sa kanila ang lahat ng narito. Wala akong inilihim,” sagot ni Ezequias. Sinabi ni Isaias, “Pakinggan mo itong ipinapasabi ni Yahweh: ‘Darating ang araw na ang lahat ng nasa palasyo mo, pati ang tinipong kayamanan ng iyong mga ninuno ay dadalhin sa Babilonia. Walang maiiwan dito. Pati ang ilan sa iyong mga anak na lalaki ay kukunin at gagawing mga eunuko sa palasyo ng hari ng Babilonia.’” Sinabi ni Ezequias, “Maganda naman pala ang ipinapasabi ni Yahweh sa akin.” Sinabi niya iyon dahil ang akala niya ay mananatili ang kapayapaan at katiwasayan habang siya'y nabubuhay. Ang iba pang ginawa ni Ezequias, pati ang pagpapagawa ng tipunan at daanan ng tubig papunta sa lunsod ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. Namatay siya at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno. Ang anak niyang si Manases ang humalili sa kanya bilang hari. Si Manases ay labindalawang taóng gulang nang maging hari ng Juda. Naghari siya sa Jerusalem sa loob ng limampu't limang taon. Ang kanyang ina ay si Hefziba. Hindi rin siya naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat tinularan niya ang mga kasuklam-suklam na gawain ng mga bansang pinalayas ni Yahweh sa mga Israelita. Itinayo niyang muli ang mga dambana sa mga burol na ipinagiba ng ama niyang si Ezequias. Ipinagpagawa pa niya ng altar si Baal at ng rebulto si Ashera tulad ng ginawa ni Haring Ahab ng Israel. Sumamba rin si Manases sa mga bituin sa langit. Nagpagawa pa siya ng maraming altar sa Templo sa Jerusalem, ang lugar na pinili ni Yahweh na kung saan siya'y dapat sambahin. Sa dalawang bulwagan sa Templo, nagpagawa siya ng tig-isang altar para sa pagsamba sa mga bituin. Sinunog rin niya ang anak niyang lalaki bilang handog. Sumangguni siya sa iba't ibang espiritu, sa mga salamangkero, sa mga kumakausap sa mga espiritu ng mga namatay na at sa mga manghuhula. Napakalaki ng kasamaang ginawa niya laban kay Yahweh kaya ito'y nagalit sa kanya. Ang ipinagawa niyang rebulto ni Ashera ay ipinasok niya sa Templong tinutukoy ni Yahweh nang sabihin nito kina David at Solomon: “Sa Templong ito at sa Jerusalem na aking pinili mula sa labindalawang lipi ng Israel, ang lugar na ito ay pinili ko upang ako'y sambahin magpakailanman. Pananatilihin ko sila sa lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno kung susundin nila ang mga utos na ibinigay ko sa kanila sa pamamagitan ng aking lingkod na si Moises.” Ngunit hindi sila nakinig, sa halip ay sumunod sila kay Manases sa paggawa ng mga bagay na higit na masama sa ginawa ng mga bansang ipinataboy sa kanila ni Yahweh. Sa pamamagitan ng mga propetang lingkod ni Yahweh ay sinabi niya, “Dahil sa kasuklam-suklam na mga bagay na ginawa ni Manases na hari ng Juda, na higit pa sa kasamaan ng mga Amoreo, at dahil sa pangunguna niya sa Juda upang sumamba sa mga diyus-diyosan, paparusahan ko nang matindi ang Juda at ang Jerusalem. Mababalitaan ito ng mga iba at sila'y kikilabutan. Paparusahan ko ang Jerusalem tulad ng ginawa ko sa Samaria at sa sambahayan ni Ahab. Aalisin ko ang mga tao sa Jerusalem tulad ng paglilinis sa pinggan. Pupunasan ko ito at pagkatapos ay itataob. Itatakwil ko ang matitirang buháy sa kanila at ipapasakop sa kanilang mga kaaway. Gagawin ko ito dahil sa kanilang kasamaan mula pa nang iligtas ko ang kanilang mga ninuno sa kamay ng mga Egipcio.” Bukod sa pangunguna sa Juda sa paggawa ng mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh, napakarami pang taong walang sala ang ipinapatay ni Manases at halos napuno ng dugo ang mga lansangan sa Jerusalem. Ang iba pang ginawa ni Manases, pati ang kanyang kasamaan, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa hardin ng kanyang palasyo, ang hardin ni Uza. Ang anak niyang si Ammon ang humalili sa kanya bilang hari. Dalawampu't dalawang taóng gulang si Ammon nang maging hari ng Juda at siya'y naghari sa Jerusalem sa loob ng dalawang taon. Ang ina niya ay si Mesulemet na anak ni Haruz, isang taga-Jotba. Katulad ng kanyang amang si Manases, ginawa rin ni Ammon ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Tulad ng kanyang ama, naglingkod at sumamba rin siya sa mga diyus-diyosan, tinalikuran niya si Yahweh, ang Diyos ng kanyang mga ninuno, at sinuway ang mga utos nito. Ang mga tauhan niya mismo ang nagkaisang pumaslang sa kanya sa loob ng palasyo. Ngunit ang mga ito ay pinatay naman ng mga taong-bayan. Pagkatapos, ginawa nilang hari si Josias na anak ni Ammon. Ang iba pang ginawa ni Ammon ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. Inilibing si Ammon sa halamanan ni Uza at ang anak niyang si Josias ang humalili sa kanya bilang hari. Si Josias ay walong taóng gulang nang maging hari ng Juda. Tatlumpu't isang taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang ina niya ay si Jedida na anak ni Adaya na taga-Boskat. Naging kalugud-lugod siya kay Yahweh sapagkat sinundan niya ang halimbawa ng ninuno niyang si David na buong katapatang sumunod sa mga utos ng Diyos. Nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Josias, inutusan niya ang kalihim niyang si Safan na anak ni Azalias at apo ni Mesulam na pumunta sa Templo. Ang utos niya, “Pumunta ka kay Hilkias na pinakapunong pari at alamin mo kung magkano na ang salapi sa kabang-yaman na nalilikom ng mga bantay-pintuan. Pagkatapos, ipabigay mo sa namamahala sa Templo upang ibayad sa mga karpintero, mga manggagawa at mga kantero. Dapat din silang bumili ng kahoy at batong gagamitin sa pagpapaayos ng Templo. Hindi na nila kailangang magbigay ng ulat tungkol sa nagastos sapagkat sila'y taong matatapat.” Pagdating ni Safan sa Templo, sinabi sa kanya ng pinakapunong paring si Hilkias, “Natagpuan ko sa Templo ni Yahweh ang aklat ng Kautusan.” Ibinigay niya ito kay Safan at binasa naman nito. Nang matupad na ang iniutos sa kanya, nagbalik siya sa hari at iniulat na nabilang na ang salapi sa Templo at naibigay na sa mga namamahala sa pagpapaayos ng Templo. Sinabi pa niya, “Ako'y binigyan ni Hilkias ng isang aklat.” At binasa niya ito sa hari. Nang marinig ng hari ang nilalaman ng aklat, pinunit niya ang kanyang kasuotan. Pinulong niya sina Hilkias na pari, si Ahikam na anak ni Safan, si Akbor na anak ni Mikaias, ang kalihim na si Safan, at si Asaias na tauhan ng hari. Sinabi niya, “Sumangguni kayo kay Yahweh alang-alang sa akin at sa buong Juda tungkol sa nilalaman ng aklat na ito. Matindi ang galit ni Yahweh sa atin dahil sa pagsuway ng ating mga ninuno sa mga ipinag-uutos sa aklat na ito.” Ang paring si Hilkias at sina Ahikam, Akbor, Safan at Asaias ay nagpunta nga sa isang babaing propeta na nagngangalang Hulda na asawa ni Sallum, anak ni Tikva na anak ni Harhas, ang tagapag-ingat ng mga kasuotan ng mga pari. Siya ay sa ikalawang purok ng Jerusalem nakatira. Ang sabi niya, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, sa nagsugo sa inyo rito: ‘Ang lahat ng parusang nabasa ng hari sa aklat na ito ay ibabagsak ko sa bayang ito at sa lahat ng mamamayan. Matindi ang galit ko laban sa bayang ito sapagkat tinalikuran nila ako, at sila'y sumamba sa mga diyus-diyosan. Ito naman ang sabihin mo sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo rito: Narinig ko ang iyong pagtangis nang malaman mo ang sumpa at parusang igagawad ko sa bayang ito. Nakita ko ang pagsisisi mo, ang iyong pagpapakababa sa harapan ko, pati ang pagpunit mo sa iyong kasuotan. Dahil dito, hindi mo mararanasan ang pagpapahirap na gagawin ko sa bayang ito. Mamamatay kang mapayapa sa piling ng iyong mga ninuno.’” Ang lahat ng ito'y sinabi nila sa hari. Ipinatawag ni Haring Josias ang lahat ng matatandang pinuno ng Juda at Jerusalem, at sila'y pumunta sa Templo ni Yahweh, kasama ang mga pari, mga propeta at ang lahat ng taga-Jerusalem at Juda, mayaman at dukha. Pagdating doon, ipinabasa niya ang aklat ng kasunduan na natagpuan sa Templo. Pagkabasa, tumayo sa tabi ng haligi ang hari at nanumpang susunod sa kautusan ni Yahweh, at sa lahat ng tuntunin nito. Ang lahat ng naroon ay nakiisa sa hari sa panunumpa nito sa kasunduang ginawa ni Yahweh. Ang lahat ng kagamitan sa loob ng Templo na may kaugnayan kay Baal, kay Ashera at sa mga bituin ay ipinalabas ng hari kay Hilkias, ang pinakapunong pari, gayundin sa mga katulong na pari at sa mga bantay ng Templo. Ipinasunog niya ang mga iyon sa labas ng Jerusalem, sa Libis ng Kidron, at dinala sa Bethel ang abo. Pinaalis niya ang mga paring itinalaga ng mga unang hari ng Juda upang magsunog ng insenso sa mga dambana ng mga diyus-diyosan sa Juda at sa palibot ng Jerusalem. Pinalayas din niya ang mga paring nagsusunog ng insenso para kay Baal, para sa araw, buwan at mga bituin sa langit. Ang rebulto ni Ashera ay ipinalabas niya sa Templo at ipinadala sa labas ng Jerusalem, sa Libis ng Kidron at doon ipinasunog. Pagkatapos, ipinadurog niya ang uling niyon at ipinasabog sa libingan ng mga karaniwang tao. Ipinagiba rin niya ang tirahan ng mga lalaki at babaing nagbebenta ng panandaliang-aliw sa templo bilang pagsamba kung saan hinahabi rin ng mga babae ang mga toldang ginagamit sa pagsamba sa diyus-diyosang si Ashera. Tinipon ni Josias sa Jerusalem ang lahat ng pari ng mga dambana ng mga diyus-diyosan sa gawing kaliwa ng pintuan ng tirahan ni Josue, na gobernador ng lunsod. Ngunit ang mga paring naglingkod sa mga dambana ng mga diyus-diyosan ay hindi pinayagang maghandog sa altar ni Yahweh. Nakisalo na lamang sila sa kapwa nila pari sa Jerusalem sa pagkain ng tinapay na walang pampaalsa. Ipinagiba rin niya ang dambana sa Libis ng Ben Hinom upang wala nang makapagsunog ng kanilang anak bilang handog kay Molec. Ipinaalis niya sa pintuang papasok sa Templo ang mga kabayong inilaan ng mga naging hari ng Juda para sa pagsamba sa araw. Ang mga ito'y nasa tabi ng tirahan ng opisyal na si Natan-melec, sa bulwagang nasa may likod ng templo. Pagkatapos ipinasunog niya ang mga karwaheng ginagamit sa pagsamba sa araw. Ang mga altar na ipinagawa ng mga naging hari ng Juda sa kaitaasang palapag ng tirahan ni Ahaz, pati ang mga altar na ipinagawa ni Manases sa magkabilang bulwagan ng Templo ay ipinagiba niya at ipinatapon sa Libis ng Kidron ang mga dinurog na bato. Ipinagiba rin niya ang mga altar sa silangan ng Jerusalem sa gawing timog ng Bundok ng mga Olibo. Ang mga ito'y ipinagawa ni Haring Solomon ng Israel para sa mga kasuklam-suklam na mga diyus-diyosan: para kay Astoret, ang diyosa ng mga Sidonio, para kay Quemos, ang diyos ng mga Moabita, at para kay Milcom, ang diyos ng mga Ammonita. Ipinagiba rin niya ang mga rebultong bato at mga sagradong haligi, at ang mga lugar na pinag-alisan sa mga ito ay pinatambakan niya ng kalansay ng mga tao. Ipinagiba rin niya ang dambana sa Bethel na ipinagawa ni Jeroboam na anak ni Nebat na nanguna sa Israel upang magkasala. Ipinadurog din niya ang mga bato at ipinasunog ang rebulto ni Ashera. Nang makita niya ang libingan sa isang bundok sa di-kalayuan, ipinahukay niya ang mga kalansay doon at ipinasunog sa dating kinatatayuan ng mga altar upang hamakin ang mga ito. Ang lahat ng ito'y ginawa ayon sa salita ni Yahweh na ipinahayag sa pamamagitan ng kanyang propeta. Nang makita niya ang isang puntod, itinanong niya, “Kaninong puntod iyon?” “Puntod po iyon ng propetang mula sa Juda. Siya po ang nagpahayag noon ng tungkol sa pagwasak na ginawa ninyo ngayon sa altar sa Bethel,” sagot ng mga tagaroon. Sinabi niya, “Kung ganoon, huwag ninyong gagalawin ang kanyang kalansay.” Kaya hindi nila ginalaw ang mga buto niyon pati ang kalansay ng propeta mula sa Samaria. Pati ang mga dambana ng mga diyus-diyosan sa mga lunsod ng Samaria na ipinagawa ng mga naging hari ng Israel at siyang naging dahilan ng galit ni Yahweh ay ipinagiba ni Haring Josias. Ginawa rin niya rito ang ginawa niya sa Bethel. Pinatay niya ang mga paring naglilingkod sa mga altar ng mga diyus-diyosan. Pinatambakan din niya ng kalansay ng mga tao ang mga altar at sinunog. Pagkatapos bumalik siya sa Jerusalem. Ipinag-utos ni Haring Josias sa mga tao, “Ipagdiwang natin ang Paskwa ni Yahweh, ayon sa nakasulat sa aklat ng tipan.” Sapagkat mula pa sa panahon ng mga hukom ay wala pang hari sa Juda at sa Israel na nagdiwang ng Paskwa. Ngunit nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Josias, ipinagdiwang sa Jerusalem ang Paskwa ni Yahweh. Pinaalis ni Josias ang mga sumasangguni sa mga espiritu ng namatay na, ang mga manghuhula, ang mga diyus-diyosan at ang lahat ng kasuklam-suklam na mga bagay sa buong Juda at Jerusalem bilang pagtupad sa mga kautusang nasa aklat na natagpuan ni Hilkias sa Templo. Sa mga haring nauna sa kanya at maging sa mga sumunod ay walang maitutulad sa kanyang katapatan kay Yahweh. Pinaglingkuran niya si Yahweh nang buong puso, buong kaluluwa at buong lakas at sumunod sa buong Kautusan ni Moises. Ngunit hindi pa rin napawi ang matinding galit ni Yahweh sa Juda dahil sa mga kasamaang ginawa ni Manases. Kaya't sinabi ni Yahweh, “Itatakwil ko ang Juda tulad ng ginawa ko sa Israel. Ganoon din ang gagawin ko sa Lunsod ng Jerusalem na aking pinili, pati sa Templong sinabi ko na doo'y sasambahin ang aking pangalan.” Ang iba pang ginawa ni Josias ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. Nang panahong iyon, ang bahagi ng Asiria sa gawing Ilog Eufrates ay sinalakay ni Neco na Faraon ng Egipto. Sumaklolo si Haring Josias sa hari ng Asiria, ngunit napatay siya sa Megido. Ang kanyang bangkay ay kinuha ng kanyang mga kasama at inilibing sa kanyang libingan sa Jerusalem. At si Jehoahaz na anak niya ang pinili ng mga taong-bayan bilang hari, kapalit ng kanyang ama. Si Jehoahaz ay dalawampu't tatlong taóng gulang nang maging hari ng Juda. Tatlong buwan lamang siyang naghari sa Jerusalem. Ang ina niya ay si Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna. Hindi siya naging kalugud-lugod kay Yahweh sapagkat tinularan niya ang masasamang halimbawa ng kanyang mga ninuno. Ikinulong siya ng Faraon Neco ng Egipto sa Ribla, sa lupain ng Hamat at ang Juda'y hiningan niya ng buwis na 3,500 kilong pilak at 35 kilong ginto. Inilagay ni Neco si Eliakim na anak ni Josias bilang hari at pinalitan niya ng Jehoiakim ang pangalan nito. Si Jehoahaz naman ay dinalang-bihag sa Egipto at doon na ito namatay. Si Haring Jehoiakim ng Juda ay nagbabayad ng buwis na pilak at ginto kay Neco. Kaya't pinatawan niya ng buwis ang buong bayan ayon sa makakaya ng bawat isa upang may maibigay siya kay Neco. Si Jehoiakim ay dalawampu't limang taóng gulang nang maghari sa Jerusalem at ito'y tumagal nang labing-isang taon. Ang kanyang ina ay si Zebida na anak ni Pedaias na taga-Ruma. Tulad ng masamang halimbawa ng kanyang mga ninuno, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sa panahon ng paghahari ni Jehoiakim, ang Juda ay sinakop ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Tatlong taon siyang nagpasakop sa Babilonia at pagkatapos ay naghimagsik laban kay Nebucadnezar. At tulad ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ng kanyang mga propeta, ipinalusob niya ang mga taga-Juda sa mga taga-Babilonia, sa mga taga-Siria, sa mga Moabita at mga Ammonita. Niloob ni Yahweh na mapalayas ang mga taga-Juda dahil sa kasamaang ginawa ni Manases, at sa pagpatay nito sa napakaraming taóng walang kasalanan. Halos bumaha ng dugo sa buong Jerusalem, at dahil dito ay hindi siya mapatawad ni Yahweh. Ang lahat ng ginawa ni Jehoiakim ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda. Nang siya'y mamatay, ang anak niyang si Jehoiakin ang humalili sa kanya bilang hari. Hindi na muling lumabas ng kanyang bansa ang hari ng Egipto noon sapagkat lahat ng sakop niya ay sinakop na ng hari ng Babilonia, mula sa Batis ng Egipto hanggang sa Ilog Eufrates. Si Jehoiakin ay labing-walong taóng gulang nang maghari sa Jerusalem at ito'y tumagal nang tatlong buwan. Ang kanyang ina ay si Nehusta na anak ni Elnatan na taga-Jerusalem. Tulad ng kanyang ama, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Nang panahong iyon, ang Jerusalem ay kinubkob ng mga kawal ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Habang ang mga kawal ng Babilonia ay nakapaligid sa lunsod, dumating si Haring Nebucadnezar. At sumuko sa kanya si Haring Jehoiakin, pati ang ina nito, mga katulong, mga pinuno at lahat ng tauhan sa palasyo. Binihag sila ni Nebucadnezar noong ikawalong taon ng paghahari nito. Sinamsam pa niyang lahat ang kayamanan sa palasyo at sa Templo. At tulad ng babala ni Yahweh, sinira ni Nebucadnezar ang mga kagamitang ginto na ipinagawa ni Solomon para sa Templo. Dinala niyang bihag ang lahat ng taga-Jerusalem: ang mga pinuno, mga kawal, mga dalubhasa at mga panday. Lahat-lahat ay umabot sa sampung libo. Wala silang itinira liban sa mga dukha. Tinangay nga ni Nebucadnezar sa Babilonia si Jehoiakin, ang ina nito, mga asawa, mga pinuno at lahat ng pangunahing mamamayan sa Jerusalem. Dinala rin niya sa Babilonia ang may pitong libong kawal at ang sanlibong mahuhusay na manggagawa at panday na pawang malalakas ang katawan at angkop maging mga kawal. Si Matanias na tiyuhin ni Jehoiakin ang ipinalit ni Nebucadnezar dito bilang hari ng Juda at pinalitan niya ng Zedekias ang pangalan nito. Si Zedekias ay dalawampu't isang taóng gulang nang maging hari ng Juda, at naghari siya sa Jerusalem sa loob ng labing-isang taon. Ang ina niya'y si Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna. Tulad ng masamang halimbawa ni Jehoiakim, ginawa rin ni Zedekias ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Umabot na sa sukdulan ang galit ni Yahweh sa Jerusalem at Juda kaya ang mga ito'y ipinabihag niya sa mga kaaway. Si Zedekias ay naghimagsik laban sa hari ng Babilonia. Nang ikasampung araw ng ikasampung buwan ng ikasiyam na taon ng paghahari ni Zedekias, tinipon ni Nebucadnezar ang kanyang buong hukbo. Kinubkob nila ang Jerusalem at nagkampo sa labas ng lunsod. Ito'y tumagal nang hanggang sa ikalabingisang taon ng paghahari ni Zedekias. Nang ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan ng taon ding iyon, lubhang tumindi ang taggutom sa loob ng lunsod. Wala nang makain ang mga tao. Noon ay binutas ang isang bahagi ng pader ng lunsod. Nang makita ito ni Haring Zedekias kinagabihan, tumakas siya patungong Araba kasama ang kanyang mga kawal. Doon sila dumaan sa pintuan sa pagitan ng dalawang pader, malapit sa hardin ng palasyo. Ngunit ang lunsod ay napapalibutan ng mga taga-Babilonia. Hinabol sila ng mga ito at inabutan sa kapatagan ng Jerico. At nagkanya-kanyang takas ang kanyang mga kawal. Nabihag si Zedekias at iniharap sa hari ng Babilonia na noon ay nasa lunsod ng Ribla at doon siya hinatulan. Pinatay nila sa harapan ni Zedekias ang mga anak nito. Dinukit ang mga mata ni Zedekias at dinala siya sa Babilonia na gapos ng tanikala. Nang ikapitong araw ng ikalimang buwan ng ikalabing siyam na taon ng paghahari ni Nebucadnezar, pinasok ni Nebuzaradan na pinuno ng mga tanod ni Nebucadnezar ang Jerusalem. Sinunog niya ang Templo, ang palasyo, at ang malalaking bahay doon. Ang mga pader ng lunsod ay giniba naman ng mga kawal na kasama ni Nebuzaradan. Dinala niyang bihag ang natitira pang mga tao sa Jerusalem, pati ang mga sumuko sa hari ng Babilonia. Ang iniwan lamang niya roon ay ilang mga dukha upang magbungkal ng lupa at magtrabaho sa mga ubasan. Ang mga haliging tanso, patungang tanso at ang palangganang tanso na nasa Templo ay tinanggal nila, pinagpira-piraso at dinala sa Babilonia. Kinuha rin nila ang mga kagamitan sa Templo: ang palayok, pala, lalagyan ng abo, plato, sunugan ng insenso at ang lahat ng kagamitang tanso. Kinuha rin nila ang gintong lalagyan ng baga at lahat ng kasangkapang ginto at pilak. Ang mga haliging tanso, ang hugasang tanso at ang patungan nito ay hindi na nila tinimbang sapagkat napakabigat. Ang taas ng isang haligi ay walong metro at may koronang mahigit na isa't kalahating metro ang taas. Nababalot ito ng mga palamuting tanso: hinabi ang iba at ang iba nama'y kahugis ng prutas na granada. Dinala sa Babilonia ang mga taga-Juda. Kasama sa mga nabihag ni Nebuzaradan ang pinakapunong paring si Seraya, ang kanang kamay nitong si Zefanias at ang tatlong bantay-pinto. Nabihag din niya ang namamahala sa mga mandirigma ng lunsod, ang limang tagapayo ng hari, ang kalihim ng pinunong kawal, at ang animnapung taóng nakita niya sa lunsod. Ang mga ito'y dinala niya sa Ribla, sa kinaroroonan ng hari ng Babilonia, at doon ipinapatay ng hari, sa lupain ng Hamat. Sa ganitong paraan dinalang-bihag ang sambayanang Juda mula sa kanilang lupain. Si Gedalias na anak ni Ahikam at apo ni Safan ay hinirang ni Haring Nebucadnezar bilang gobernador ng mga natirang mamamayan ng Juda. Nang mabalitaan ito ng mga pinuno ng hukbo na hindi sumuko, sila at ang kanilang mga tauhan ay lumapit kay Gedalias sa Mizpa. Ang mga ito'y sina Ismael na anak ni Netanias, Johanan na anak ni Karea, Seraias na anak ni Tanhumet na Netofatita at Jaazanias na anak ng Maacateo. Sinabi sa kanila ni Gedalias, “Huwag kayong matakot sa mga taga-Babilonia. Dito na kayo tumira at maglingkod sa hari ng Babilonia at walang masamang mangyayari sa inyo.” Ngunit nang ikapitong buwan, dumating si Ismael na anak ni Netanias at apo ni Elisama, mula sa angkan ng hari, na may kasamang sampung tao. Pinatay nila si Gedalias, ang mga Judio at ang mga taga-Babiloniang kasama niya sa Mizpa. Pagkatapos, silang lahat, mahirap man o mayaman, kasama ang mga pinuno ng mga kawal, ay tumakas patungong Egipto dahil sa takot sa mga taga-Babilonia. Nang ikadalawampu't pitong araw ng ikalabindalawang buwan ng ikatatlumpu't pitong taon ng pagkabihag kay Haring Jehoiakin ng Juda, pinalaya siya ni Haring Evil-merodac ng Babilonia nang taon na ito'y nagsimulang maghari. Mabuti ang pakikitungo ni Evil-merodac kay Jehoiakin, at pinarangalan siya nito nang higit sa ibang haring bihag din sa Babilonia. Hinubad ni Jehoiakin ang kasuotan niya bilang isang bihag. At hanggang sa siya'y mamatay, araw-araw, kasalo siya ng hari sa hapag kainan. Habang siya'y nabubuhay, binigyan siya ng hari ng kanyang araw-araw na pangangailangan. Si Adan ang ama ni Set at si Set ang ama ni Enos. Si Enos ang ama ni Kenan at si Kenan ang ama ni Mahalalel na ama ni Jared. Si Jared ang ama ni Enoc, at anak ni Enoc si Matusalem na ama ni Lamec. Si Lamec ang ama ni Noe at mga anak naman ni Noe sina Shem, Ham at Jafet. Ang mga anak ni Jafet ay sina Gomer, Magog, Madai, Javan, Tubal, Meshec at Tiras. Ang mga anak naman ni Gomer ay sina Askenaz, Difat at Togarma. Ang mga anak ni Javan ay sina Elisha, Tarsis, Kitim at Rodanim. Ang mga anak ni Ham ay sina Cus, Egipto, Libya at Canaan. Mga anak ni Cus sina Seba, Havila, Sabta, Raama at Sabteca, at ang kay Raama naman ay sina Sheba at Dedan. Anak din ni Cus si Nimrod, ang unang makapangyarihang mananakop sa daigdig. Si Egipto ang pinagmulan ng mga Ludim, Anamim, Lehabim at Naftuhim. Siya rin ang pinagmulan ng mga Patrusim, Casluhim at Caftorim, na siya namang pinagmulan ng mga Filisteo. Ang mga anak ni Canaan ay si Sidon, na siyang panganay, at si Het. Sila ang mga ninuno ng mga Jebuseo, Amoreo, Gergeseo, Hivita, Arkita, Sinita, Arvadita, Zemareo at Hamateo. Ang mga anak ni Shem ay sina Elam, Asur, Arfaxad, Lud, Aram, Uz, Hul, Geter at Meshec. Si Arfaxad ang ama ni Selah na ama naman ni Eber. Dalawang lalaki ang naging anak ni Eber; Peleg ang pangalan ng isa sapagkat sa panahon niya nahati ang daigdig, at Joctan naman ang pangalan ng kapatid nito. Si Joctan ang ama ng magkakapatid na Almodad, Selef, Hazarmavet, Jerah, Hadoram, Uzal, Dicla, Ebal, Abimael, Sheba, Ofir, Havila at Jobab. Ganito ang pagkakasunud-sunod ng lahi mula kay Shem hanggang kay Abram: Shem, Arfaxad, Selah, Eber, Peleg, Reu, Serug, Nahor, Terah, at Abram, na tinawag ding Abraham. Ang dalawang anak ni Abraham ay sina Isaac at Ismael. Ang mga anak ni Ismael ay sina Nebayot, Kedar, Adbeel, Mibsam, Misma, Duma, Massa, Hadad, Tema, Jetur, Nafis at Kedema. Ito ang mga anak ni Abraham sa kanyang asawang-lingkod na si Ketura: sina Zimran, Jocsan, Medan, Midian, Isbak at Sua. Ang mga anak ni Jocsan ay sina Sheba at Dedan. Mga anak ni Midian sina Efa, Efer, Hanoc, Abida at Eldaa. Ang anak ni Abraham na si Isaac ay may dalawang anak: sina Esau at Jacob. Ang mga anak ni Esau ay sina Elifaz, Reuel, Jeus, Jalam at Korah. Ang mga anak ni Elifaz ay sina Teman, Omar, Zefi, Gatam, Kenaz, Timna at Amalek. Ang kay Reuel naman ay sina Nahat, Zera, Sammah at Miza. Ang mga anak ni Seir ay sina Lotan, Sobal, Zibeon, Ana, Dison, Eser at Disan. Ang mga anak ni Lotan ay sina Hori at Homam; si Timna ang kapatid na babae ni Lotan. Mga anak ni Sobal sina Alian, Manahat, Ebal, Sefi at Onam. Ang mga anak ni Zibeon ay sina Aias at Ana. Anak ni Ana si Dison. Si Dison naman ang ama ng magkakapatid na Hamram, Esban, Itran at Keran. Mga anak ni Eser sina Bilhan, Zaavan at Jaacan. Ang kay Disan naman ay sina Hus at Aran. Ito ang mga naghari sa lupain ng Edom bago nagkaroon ng hari ang mga Israelita: si Bela na anak ni Beor at ang kanyang lunsod ay Dinhaba. Pagkamatay niya, siya'y pinalitan ni Jobab na anak ni Zera na taga-Bosra. Nang mamatay si Jobab, si Husam na isang Temaneo ang pumalit sa kanya. Namatay si Husam at ang pumalit sa kanya ay isang taga-Avit, si Hadad na anak ni Bedad. Siya ang tumalo kay Midian sa lupain ng Moab. Pagkamatay ni Hadad, pumalit sa kanya bilang hari si Samla na taga-Masreca. Namatay din si Samla at pinalitan siya ni Saul na taga-Rehobot sa may Ilog Eufrates. Nang mamatay si Saul, pumalit sa kanya bilang hari si Baal-hanan na anak ni Acbor. Namatay si Baal-hanan at pumalit sa kanya si Hadad na taga-lunsod ng Pai. Si Hadad ang asawa ni Mehetabel na anak ni Matred. Si Matred ay anak na babae ni Mezahab. Pagkamatay ni Hadad, ang mga ito ang naging pinuno ng Edom: Timna, Alian, Jetet, Aholibama, Ela, Pinon, Kenaz, Teman, Mibzar, Magdiel, at Iram. Ito ang mga anak ni Jacob: Ruben, Simeon, Levi, Juda, Isacar, Zebulun, Dan, Jose, Benjamin, Neftali, Gad, at Asher. Ang mga anak ni Juda kay Bat-sua na isang Canaanita ay sina Er, Onan at Sela. Ang panganay niyang si Er ay naging masama sa paningin ni Yahweh kaya ito'y pinatay. Sina Peres at Zera naman ang naging mga anak niya kay Tamar na kanyang manugang, kaya limang lahat ang anak ni Juda. Ang mga anak ni Peres ay sina Hezron at Hamul. Ang kay Zera naman ay sina Zimri, Etan, Heman, Calcol at Darda. Limang lahat ang naging anak ni Zera. Anak ni Zimri si Carmi. Ang anak naman ni Carmi na si Acan, ang nagdulot ng malaking kapahamakan sa Israel dahil sa paglabag sa utos ng Diyos na may kinalaman sa mga bagay na itinakdang wasakin. Si Azarias naman ay anak ni Etan. Ang mga anak ni Hezron ay tatlo: sina Jerameel, Ram at Caleb. Anak ni Ram si Aminadab na ama ni Naason, isang pinuno sa lipi ni Juda. Anak ni Naason si Salma na ama naman ni Boaz. Si Boaz ang ama ni Obed na ama naman ni Jesse. Ang panganay na anak ni Jesse ay si Eliab, pangalawa si Abinadab at si Simea ang pangatlo. Ang pang-apat ay si Netanel, panglima si Radai, pang-anim si Ozem at pampito si David. Dalawa ang kapatid nilang babae: sina Zervias at Abigail. Tatlo ang anak ni Zervias: sina Abisai, Joab at Asahel. Ang anak naman ni Abigail ay si Amasa na ang ama ay si Jeter na isang Ismaelita. Si Caleb na anak ni Hezron ay nagkaanak ng isang babae kay Azuba na ang pangalan ay Jeriot. Ang mga anak niyang lalaki ay sina Jeser, Sobab at Ardon. Nang mamatay si Azuba, napangasawa ni Caleb si Efrata, at naging anak nila si Hur. Si Hur ang ama ni Uri na siya namang ama ni Bezalel. Nang si Hezron ay animnapung taon na, napangasawa niya ang anak ni Maquir na ama ni Gilead. Naging anak niya si Segub na ama ni Jair, ang may-ari ng dalawampu't tatlong lunsod sa lupain ni Gilead. Ngunit kinuha sa kanila nina Gesur at Aram ang mga Nayon ni Jair at ang Kenat, pati ang mga nayon nito. Lahat-lahat ay animnapung bayan. Ang lahat ng mamamayan dito'y buhat sa angkan ni Maquir na ama ni Gilead. Pagkamatay ni Hezron, kinasama ni Caleb si Efrata na biyuda ng kanyang ama, at naging anak nila si Asur na nagtatag ng bayan ng Tekoa. Ito ang mga anak ni Jerameel, ang panganay ni Hezron: sina Ram, Buna, Orem, Ozem at Ahias. Si Jerameel ay may isa pang asawa na Atara ang pangalan; siya ang ina ni Onam. Ang panganay na anak ni Jerameel ay si Ram, at sina Maaz, Jamin at Equer ang mga anak nito. Mga anak ni Onam sina Samai at Jada. Ang mga anak naman ni Samai ay sina Nadab at Abisur. Asawa ni Abisur si Abihail at dalawa ang anak nila: sina Ahban at Molid. Mga anak ni Nadab sina Seled at Apaim. Namatay si Seled na walang anak. Anak ni Apaim si Isi at ang kay Isi naman ay si Sesan na ama ni Ahlai. Ang mga anak ni Jada na kapatid ni Samai ay sina Jeter at Jonatan. Namatay na walang anak si Jeter. Ang mga anak ni Jonatan ay sina Pelet at Zaza. Ito ang mga anak at salinlahi ni Jerameel. Mga babae lamang ang naging anak ni Sesan, ngunit siya'y may aliping Egipcio na Jarha ang pangalan. Ipinakasal niya ito sa kanyang anak na dalaga at naging anak nila si Atai. Si Atai ang ama ni Natan na ama naman ni Zabad. Si Zabad ang ama ni Eflal na ama ni Obed. Si Obed ang ama ni Jehu na ama naman ni Azarias. Si Azarias ang ama ni Helez na ama ni Eleasa. Si Eleasa ang ama ni Sismai na ama naman ni Sallum. Si Sallum ang ama ni Jecamias na ama ni Elisama. Ang anak na panganay ni Caleb na kapatid ni Jerameel ay si Mesa na ama ni Zif. Si Zif ay ama ni Maresa at anak naman ni Maresa si Hebron. Ang mga anak ni Hebron ay sina Korah, Tapua, Requem at Sema. Si Sema ang ama ni Raham na ama ni Jorqueam, at si Requem naman ang ama ni Samai. Ang anak ni Samai ay si Maon na ama naman ni Beth-sur. Naging asawang-lingkod ni Caleb si Efa, at nagkaanak sila ng tatlo: sina Haran, Moza at Gasez. Gasez din ang ngalan ng naging anak ni Haran. Ang mga anak ni Jahdai ay sina Regem, Jotam, Gesam, Pelet, Efa at Saaf. Kay Maaca, isa pang asawang-lingkod ni Caleb, nagkaanak siya ng dalawa: sina Seber at Tirhana. Naging anak niya rito si Saaf na ama ni Madmana at si Seva na ama naman nina Macbena at Gibea. Ang babaing anak ni Caleb ay si Acsa. Ito ang angkan ni Caleb: si Hur ang panganay na anak niya kay Efrata. Naging anak naman ni Hur sina Sobal na nagtatag ng Lunsod ng Jearim, si Salma na nagtatag ng Bethlehem at si Haref na nagtatag ng Beth-gader. Si Sobal ang ama ni Haroe, ang pinagmulan ng kalahati ng Menuho. Kay Sobal din nagmula ang ilang angkang nanirahan sa Lunsod ng Jearim tulad ng mga Itrita, mga Putita, mga Sumatita, mga Misraita, mga Zorita at mga Estaolita. Ang mga angkan naman ni Salma na nagtatag ng Bethlehem ay ang Netofatita, Atrot-bet-joab, at ang kalahati ng mga Manahatita at Zorita. Ang angkan ng mga eskriba na tumira sa Jabes ay ang mga Tiratita, Simatita at Sucatita. Ito ang mga Kenita buhat sa Hamat, ang pinagmulan ng angkan ni Recab. Si David ay nagkaroon ng mga anak sa Hebron. Ang una ay si Amnon, anak niya kay Ahinoam na Jezreelita. Ang pangalawa ay si Daniel na anak naman niya kay Abigail na taga-Carmel. Ang pangatlo ay si Absalom, anak niya kay Maaca na anak ni Talmai na hari sa Gesur. Si Adonias ang pang-apat, anak naman kay Haguit. Ang panlima ay si Sefatias, anak kay Abital, at si Itream ang pang-anim na anak naman niya kay Egla. Anim ang naging anak ni David sa Hebron sa loob ng pito at kalahating taon ng paghahari niya roon. Pagkatapos sa Hebron, tatlumpu't tatlong taon naman siyang naghari sa Jerusalem. Doo'y apat ang naging anak niya kay Batsheba na anak ni Amiel. Ito'y sina Simea, Sobab, Natan at Solomon. Siyam pa ang naging anak niya sa Jerusalem. Ito'y sina Ibhar, Elisama, Elifelet, Noga, Nefeg, Jafia, Elisama, Eliada at Elifelet. Ang mga ito ang mga anak ni David bukod pa sa mga anak niya sa kanyang mga asawang-lingkod. Iisa ang anak niyang babae, si Tamar. Ito ang angkan ni Solomon: anak ni Solomon si Rehoboam na ama ni Abias, at anak naman ni Abias si Asa na ama ni Jehoshafat. Anak ni Jehoshafat si Joram na ama ni Ahazias. Anak naman ni Ahazias si Joas. Anak ni Joas si Amazias na ama ni Azarias, na ama naman ni Jotam. Anak ni Jotam si Ahaz na ama ni Ezequias na ama naman ni Manases. Anak ni Manases si Ammon na ama ni Josias. Apat ang naging anak ni Josias: sina Johanan, Jehoiakim, Zedekias at Sallum. Ang anak ni Jehoiakim ay si Jeconias na ama ni Zedekias. Naging bihag sa Babilonia si Jeconias. Ang pito niyang anak ay sina Selatiel, Malquiram, Pedaya, Senazar, Jacamias, Hosama at Nedabias. Ang mga anak naman ni Pedaya ay sina Zerubabel at Simei. Tatlo ang unang anak ni Zerubabel, sina Mesulam at Hananias at isang babae, si Selomit. Ang lima pang anak niya ay sina Hasuba, Ohel, Berequias, Hasadias at Jusab-hesed. Mga anak ni Hananias sina Pelatias at Jesaias. Anak ni Jesaias si Refaias, anak ni Refaias si Arnan, anak ni Arnan si Obadias at anak ni Obadias si Secanias. Anim ang naging anak ni Secanias: sina Semaya, Hatus, Igal, Barias, Nearias at Safat. Tatlo ang naging anak ni Nearias: sina Elioenai, Ezequias at Azrikam. Pito naman ang naging anak ni Elioenai: sina Hodavias, Eliasib, Pelaya, Akub, Johanan, Delaias at Anani. Kabilang ang mga ito sa mga anak ni Juda: sina Peres, Hezron, Carmi, Hur at Sobal. Anak ni Sobal si Reaias na ama ni Jahat. Anak naman ni Jahat sina Ahumai at Lahad. Ito ang angkan ng mga Zorita. Si Asur na nagtatag ng bayan ng Tekoa ay may dalawang asawa, sina Hela at Naara. Naging anak ni Asur kay Naara sina Ahuzam, Hefer, Temeni at Haahastari. Naging anak naman niya kay Hela sina Zeret, Izar at Etnan. Si Coz ang ama ni Anub at Zobeba, at ng mga angkan ni Aharhel na anak ni Harum. Si Jabes ay higit na marangal kaysa mga kapatid niya. Jabes ang ipinangalan sa kanya sapagkat sabi ng kanyang ina, “Masyado akong nahirapan nang ipanganak ko siya.” Ngunit nanalangin si Jabes sa Diyos ng Israel at sinabi: “Pagpalain po ninyo ako! Palawakin ninyo ang aking lupain. Samahan po ninyo ako at ingatan sa anumang kasawiang makakasakit sa akin.” At ipinagkaloob ng Diyos ang kanyang kahilingan. Si Caleb na kapatid ni Suha ang ama ni Mehir na ama naman ni Eston. Si Eston ang ama nina Beth-rafa, Pasea at Tehina na siyang nagtatag ng lunsod ng Nahas. Ang mga apo nila ang nanirahan sa Reca. Mga anak ni Kenaz sina Otniel at Seraias, at mga anak naman ni Otniel sina Hatat at Meonotai. Si Meonotai ang ama ni Ofra, at si Seraias naman ang ama ni Joab na nagtatag ng Libis ng mga Panday, sapagkat ang mga nakatira roon ay mga panday. Ang mga anak ni Caleb na anak ni Jefune ay sina Iru, Ela at Naam. Ang anak naman ni Ela ay si Kenaz. Mga anak naman ni Jehalelel sina Zif, Sifa, Tirias at Asarel. Ang mga anak ni Ezra ay sina Jeter, Mered, Efer at Jalon. Ang mga anak ni Mered kay Bitia na anak ng Faraon ay sina Miriam, Samai at Isba na siyang nagtatag ng Estemoa. Sa asawa naman niyang taga-Juda, naging anak ni Mered si Jered na nagtatag ng Gedor, si Heber na nagtatag ng Soco at si Jecutiel na nagtatag ng Zanoa. Ang pinagmulan ng mga Garmita na nanirahan sa Keila at ng mga Maacateo na nanirahan sa Estemoa ay ang mga anak ni Hodias sa asawa na kapatid na babae ni Naham. Ang mga anak ni Simon ay sina Amnon, Rina, Benhanan at Tilon. Mga anak naman ni Isi sina Zohet at Ben-zohet. Ang mga anak ni Sela na anak ni Juda ay sina Er na nagtatag ng Leca, si Laada na nagtatag ng Maresa, at ang mga angkang humahabi ng telang lino sa Beth-asbea. Siya rin ang ama ni Joquim, at ng mga taga-Cozeba, gayundin nina Joas at Saraf. Ang mga ito ay nagkaasawa sa Moab bago nagbalik at nanirahan sa Bethlehem. (Napakatagal na ang mga pangyayaring ito.) Ang mga ito'y magpapalayok at tumira sa Netaim at Gedera, bilang mga lingkod ng hari. Ang mga anak ni Simeon ay sina Nemuel, Jamin, Jarib, Zera at Saul. Anak ni Saul si Sallum, at apo niya si Mibsan. Anak naman ni Mibsan si Misma. Mga anak ni Misma sina Hamuel, Zacur at Simei. Labing-anim ang anak na lalaki ni Simei at anim naman ang babae. Ngunit kaunti lamang ang anak ng kanyang mga kapatid kaya hindi lumaki ang kanilang angkan tulad ng kay Juda. Ito ang mga lunsod na tinirhan nila: Beer-seba, Molada, Hazar-shual, Bilha, Ezem, Tolad, Bethuel, Horma, Ziklag, Beth-marcabot, Hazar-susim, Beth-biri, at Saaraim. Ito ang kanilang mga lunsod hanggang maging hari si David. Kanila rin ang limang lunsod ng Etam, Ain, Rimon, Toquen at Asan, pati ang mga nayon sa paligid nito hanggang sa bayan ng Baalat. Ito ang talaan na kanilang iniingatan tungkol sa kanilang mga angkan at mga lugar na kanilang tinirhan. Habang sila'y narito, mayroon silang sariling talaan ng kanilang angkan. kaya't kumalat sila sa dakong silangan, at sa paghahanap ng pastulan ay umabot sila hanggang sa kapatagan ng Gedor. Nakatagpo sila ng magandang pastulan, malawak, tahimik at payapa. Mga Hamita ang dating nakatira sa lugar na iyon. Ang nabanggit na angkang ito ni Simeon ang sumalakay sa mga Hamita nang panahong naghahari si Ezequias sa Juda. Winasak nila ang lugar na iyon, nilipol ang mga Meunim na naroon at sila ang tumira, sapagkat maganda ang pastulan doon. Sa mga sumalakay na ito, limandaan pang tauhan ni Simeon ang patuloy na lumusob sa kaburulan ng Seir sa pangunguna nina Pelatias, Nearias, Refaias at Uziel, mga anak ni Isi. Nilipol nila ang mga natirang Amalekita na tumakas patungo roon. Hanggang ngayo'y sila ang nakatira doon. Ito ang mga anak ni Ruben, ang panganay ni Jacob. (Kahit na siya'y panganay, inalisan siya ng karapatan ng pagkapanganay sapagkat dinungisan niya ang dangal ng kanyang ama. Ang karapatang ito'y ibinigay sa mga anak ni Jose, na anak ni Jacob. Bagama't ang lipi ni Juda ang kinilalang pangunahin sa magkakapatid at isang pinuno ang nagmula sa kanya, ang karapatan ng pagkapanganay ay iginawad kay Jose.) Ang mga anak ni Ruben ay sina Hanoc, Pallu, Hezron at Carmi. Anak ni Joel si Semaias na ama ni Gog. Anak ni Gog si Simei na ama ni Mica. Anak ni Mica si Reaias na ama ni Baal. Anak ni Baal si Beera, ang pinuno ng mga Rubenita na dinalang-bihag ni Tiglat-pileser sa Asiria. Ito ang listahan ng mga sambahayan at angkang nagmula sa lipi ni Ruben: ang mga pinunong sina Jeiel, Zacarias, at Bela na anak ni Azaz at apo ni Sema mula sa angkan ni Joel. Ang angkang ito ay tumira sa Aroer, at ang kanilang lupain ay abot sa Nebo at Baal-meon. Dahil marami silang kawan sa lupain ng Gilead, tumira rin sila sa gawing silangan hanggang sa tabi ng ilang na ang dulo ay nasa Ilog Eufrates. Noong panahon ni Haring Saul, sinalakay at tinalo ng mga Rubenita ang mga Hagrita, at tumira sila sa lupain ng mga ito sa silangang panig ng Gilead. Sa dakong hilaga ni Ruben nanirahan ang mga anak ni Gad, mula sa lupain ng Bashan hanggang Saleca. Sa Bashan, ang pinuno ng unang angkan ay si Joel, at si Safam naman ang sa pangalawang angkan. Sina Janai at Safat ay mga pinuno rin ng iba pang angkan doon. Kabilang pa rin sa lipi ni Gad sina Micael, Mesulam, Sheba, Jorai, Jacan, Zia at Eber. Ang pitong ito ay mga anak ni Abihail na anak ni Huri at apo ni Jaroa. Si Jaroa ay anak ni Gilead at apo ni Micael na anak ni Jesisai. Si Jesisai ay anak ni Jahdo at apo ni Buz. Ang kanilang pinuno ay si Ahi na anak ni Abdiel at apo ni Guni. Nanirahan ang mga ito sa mga bayang sakop ng Bashan at Gilead hanggang sa malawak na pastulan ng Saron. Ang mga talaang ito ay isinaayos nang si Jotam ay hari ng Juda, at si Jeroboam naman ang hari sa Israel. Matatapang ang mga kawal ng mga lipi nina Ruben at Gad, gayundin ng kalahating lipi ni Manases. Sila'y mga sanay na mandirigma; bihasa sa paggamit ng kalasag, tabak, at pana. Binubuo sila ng 44,760 kawal. Nakipagdigma sila laban sa mga Hagrita, Jetur, Nafis at Nodab. Nagtitiwala sila sa Diyos at laging nananalangin sa kanya. Dinirinig naman sila at laging tinutulungan. Dahil dito'y nalupig nila ang kanilang mga kaaway. Ito ang nasamsam nilang hayop: 50,000 kamelyo, 250,000 tupa at 2,000 asno. May 100,000 kawal naman ang kanilang nabihag. Marami silang napatay sa kanilang mga kaaway, sapagkat ang Diyos ang nanguna sa kanila. Patuloy silang nanirahan sa lupaing iyon hanggang sa sila'y dalhing-bihag sa ibang bansa. Ang kalahating lipi ni Manases ay napakarami. Kumalat sila sa iba't ibang lupain mula sa Bashan, Baal-hermon, Senir hanggang sa Bundok ng Hermon. Ito ang mga pinuno ng kanilang mga angkan: sina Efer, Isi, Eliel, Azriel, Jeremias, Hodavias at Jahdiel. Sila'y magigiting na mandirigma at mga tanyag na pinuno ng kani-kanilang angkan. Ngunit ang mga liping ito ay hindi nanatiling tapat sa Diyos ng kanilang mga ninuno. Sumamba sila sa mga diyus-diyosan ng mga bansang pinalayas ng Diyos. Kaya't inudyukan ng Diyos ng Israel si haring Pul ng Asiria, na tinatawag ding Tiglat-Pileser, na salakayin ang Israel. Binihag nito ang mga Rubenita, Gadita at ang kalahating lipi ni Manases. Dinala sila sa Hala, Habor, Hara at sa tabi ng Ilog Gozan. Ang mga anak ni Levi ay sina Gersom, Kohat at Merari. Ang mga anak naman ni Kohat ay sina Amram, Izar, Hebron, at Uziel. Ang mga anak ni Amram ay sina Aaron, Moises at Miriam. Mga anak naman ni Aaron sina Nadab, Abihu, Eleazar, at Itamar. Anak naman ni Eleazar si Finehas na ama ni Abisua. Anak ni Abisua si Buki na ama ni Uzi. Anak naman ni Uzi si Zerahias na ama ni Meraiot. Anak ni Meraiot si Amarias na ama ni Ahitob. Anak ni Ahitob si Zadok na ama ni Ahimaaz. Anak ni Ahimaaz si Azarias na ama ni Johanan. Anak naman ni Johanan si Azarias, ang paring naglingkod sa Templong itinayo ni Solomon sa Jerusalem. Anak naman ni Azarias si Amarias na ama naman ni Ahitob. Anak ni Ahitob si Zadok na ama ni Sallum. Anak ni Sallum si Hilkias na ama naman ni Azarias. Anak ni Azarias si Seraya na ama ni Jehozadak. Si Jehozadak ay nakasama nang ipatapon ni Yahweh ang Juda at Jerusalem sa pamamagitan ni Nebucadnezar. Ang mga anak ni Levi ay sina Gersom, Kohat at Merari. Anak ni Gersom sina Libni at Simei. Mga anak ni Kohat sina Amram, Izar, Hebron, at Uziel. Ang kay Merari naman ay sina Mahli at Musi. Ito ang mga angkan ng mga Levita ayon sa kanilang mga magulang. Anak ni Gershon si Libni na ama ni Jahat na ama ni Zima. Anak ni Zima si Joah na ama naman ni Iddo, na ama ni Zara na ama ni Jeatrai. Anak ni Kohat si Aminadab na ama ni Korah na ama ni Asir. Anak ni Asir si Elkana na ama ni Ebiasaf na ama ni Asir. Anak ni Asir si Tahat na ama ni Uriel, ama ni Uzias na ama ni Shaul. Anak naman ni Elkana sina Amasai at Ahimot. Anak ni Ahimot si Elkana na ama ni Zofar na ama ni Nahat. Anak naman ni Nahat si Eliab na ama ni Jeroham na ama ni Elkana na ama ni Samuel. Dalawa ang anak ni Samuel. Si Joel ang panganay at si Abija ang pangalawa. Anak ni Merari si Mahli na ama ni Libni na ama ni Simei na ama ni Uza. Anak naman ni Uza si Simea na ama ni Hagia na ama ni Asaya. Ito ang mga lalaking pinamahala ni David sa mga awitin sa Templo ni Yahweh mula nang dalhin doon ang Kaban ng Tipan. Ginampanan nila ito ayon sa mga tuntuning itinakda ang kanilang mga tungkulin sa tabernakulo ng Toldang Tipanan, hanggang sa itayo ni Solomon ang Templo sa Jerusalem. Ito ang mga angkan na nagsipaglingkod: sa angkan ni Kohat ay kabilang ang tagapangunang si Heman na anak ni Joel na anak ni Samuel. Si Samuel ay anak ni Elkana na apo ni Jeroham na anak ni Eliel na anak ni Toah. Si Toah ay anak ni Zuf na anak ni Elkana na anak ni Mahat na anak ni Amasai. Si Amasai ay anak ni Elkana na anak ni Joel na anak ni Azarias na anak ni Zefanias. Si Zefanias ay anak ni Tahat na anak ni Asir na anak ni Ebiasaf na anak ni Korah. Si Korah ay anak ni Izar na anak ni Kohat na anak ni Levi na anak ni Israel. Nasa gawing kanan ni Heman ang ikalawang koro, ang pangkat ng kapatid niyang si Asaf na anak ni Berequias na anak ni Simea. Si Simea ay anak ni Micael na anak ni Baaseias na anak ni Malquias. Si Malquias ay anak ni Etni na anak ni Zera na anak ni Adaias. Si Adaias ay anak ni Etan na anak ni Zima na anak ni Simei. Si Simei ay anak ni Jahat na anak ni Gershon na anak ni Levi. Nasa gawing kaliwa naman ni Heman ang angkan ni Merari, sa pangunguna ni Etan na anak ni Quisi na anak ni Abdi na anak ni Malluc. Si Malluc ay anak ni Hashabias na anak ni Amazias na anak ni Hilkias. Si Hilkias ay anak ni Amzi na anak ni Bani na anak ni Semer. Si Semer ay anak ni Mahli na anak ni Musi na anak ni Merari na anak ni Levi. Ang kanilang mga kapatid na Levita naman ang inatasan sa iba pang gawain sa Templo. Si Aaron naman at ang kanyang mga anak ang nangangasiwa sa pag-aalay sa altar ng mga handog na susunugin at sa altar ng insenso; sa gawain sa Dakong Kabanal-banalan at sa pagtubos sa kasalanan ng Israel, ayon sa iniutos ni Moises na lingkod ng Diyos. Ito ang mga sumunod pang angkan ni Aaron: Si Eleazar na ama ni Finehas na ama naman ni Abisua; si Buki na ama ni Uzi na ama ni Zerahias; si Meraiot na ama ni Amarias na ama ni Ahitob; at si Zadok na ama ni Ahimaaz. Ang mga bukirin naman ng lunsod at mga nayong sakop nito ay ibinigay kay Caleb na anak ni Jefune. Ibinigay sa mga sumunod na salinlahi ni Aaron ang mga lunsod-kanlungan: ang Lunsod ng Hebron, Libna at ang mga pastulan nito; ang Jatir at Estemoa at ang mga pastulan ng mga ito; ang Hilen at Debir at ang mga pastulan ng mga ito; ang Asan at Beth-semes at ang mga pastulan ng mga ito. Ang ibinigay naman sa lipi ni Benjamin ay ang Geba, Alemet at Anatot, kasama ang mga pastulan sa paligid nito. Labing-tatlong lunsod ang nakuha ng kanilang angkan. Sampung lunsod ang nakuha ng iba pang angkan ni Kohat mula sa kalahating lipi ni Manases. Buhat sa lipi nina Isacar, Asher, Neftali at Manases, labing-tatlong lunsod lamang sa Bashan ang napunta sa mga anak ni Gershon ayon sa kanilang sambahayan. Sa mga anak ni Merari ayon sa kanilang sambahayan, labindalawa namang lunsod ang nakuha nila buhat sa mga lipi nina Ruben, Gad at Zebulun. Ang mga Levita ay binigyan ng mga Israelita ng mga lunsod at mga pastulan. Ang mga lunsod na ito, na mula sa lipi nina Juda, Simeon at Benjamin, ay napunta sa kanila sa pamamagitan ng palabunutan. May ilan pa sa mga angkan ni Kohat na nagkaroon ng mga lunsod mula sa lupain ni Efraim. Ang nakuha nila ay ang mga lunsod-kanlungan gaya ng Shekem at ang mga pastulan sa kaburulan ng Efraim, Gezer, Jocmeam, Beth-horon, Ayalon, at Gat-rimon. Mula naman sa kalahating lipi ni Manases, napunta sa iba pang sambahayan ni Kohat ang Aner at ang mga pastulan nito, at ang Bileam at ang mga pastulan nito. Mula rin sa kalahating lipi ni Manases, napunta naman sa mga anak ni Gershon ang Golan sa Bashan, at ang Astarot at ang pastulan ng mga ito. Mula sa lipi ni Isacar ay napunta kay Gershon ang Kades, Daberat, Ramot at Anem at ang pastulan ng mga ito. Mula naman sa lipi ni Asher ay ang Masal, Abdon, Hucoc at Rehob at ang mga pastulan ng mga ito. Sa lipi ni Neftali ay napunta ang Kades sa Galilea, ang Hamon, ang Kiryataim at ang mga pastulan ng mga ito. Napunta rin sa iba pang mga angkan ni Merari na mula sa lipi ni Zebulun ang Rimono at Tabor at ang pastulan ng mga ito. Sa gawing silangan ng Jordan, sa tapat ng Jerico, napunta rin sa kanila mula sa lipi ni Ruben ang Bezer, Jaza, Kedemot at Mefaat at ang pastulan ng mga ito. At mula naman sa lipi ni Gad ay ang Ramot sa Gilead, Mahanaim, Hesbon at Hazer at ang mga pastulan ng mga ito. Ang mga anak ni Isacar ay sina Tola, Pua, Jasub at Simron. Ang mga anak ni Tola ay sina Uzi, Refaya, Jeriel, Jahmai, Ibsam at Samuel. Sila'y magigiting na mandirigma at mga pinuno ng kanilang sambahayan ayon sa talaan ng lahi ng kanilang ama. Ang mandirigma nila noong panahon ni David ay umabot sa 22,600. Ang anak ni Uzi ay si Izrahias at ang mga anak naman nito ay sina Micael, Obadias, Joel at Isaias. Ang limang ito ay mga pinuno rin. Ang kanilang mga angkan ay may 36,000 mandirigma, sapagkat mas marami silang asawa't mga anak na lalaki. Ang mga mandirigma sa lipi ni Isacar ay umaabot sa 87,000. Ang mga anak ni Benjamin ay sina Bela, Bequer at Jediael. Sina Esbon, Uzi, Uziel, Jeremot at Iri naman ang mga anak ni Bela. Sila'y mga pinuno ng kanilang sambahayan at pawang mga mandirigma. Ang kanilang mandirigma ay umaabot sa 22,034. Ang mga anak naman ni Bequer ay sina Zemira, Joas, Eliezer, Elioenai, Omri, Jeremot, Abias, Anatot at Alamet. Sila'y pawang magigiting na mandirigma at pinuno ng kani-kanilang sambahayan. Ang kanilang mandirigma ay umaabot sa 20,200. Ang anak ni Jediael ay si Bilhan. Ang mga anak naman ni Bilhan ay sina Jehus, Benjamin, Aod, Canaana, Zetan, Tarsis at Ahisahar. Ang magkakapatid na ito'y pawang magigiting na mandirigma at pinuno ng kani-kanilang sambahayan. Ang mandirigma nila'y umaabot sa 17,200. Ang mga Supamita at Hupamita ay buhat sa lahi ni Ir. Ang mga anak ni Dan ay si Husim at ang angkan ni Aher. Ang mga anak ni Neftali ay sina Jahzeel, Guni, Jezer at Sallum. Buhat sila sa lahi ni Bilha. Ito naman ang mga anak ni Manases sa asawa niyang Aramea: Azriel at Maquir na ama ni Gilead. Ikinuha ni Maquir ng asawa sina Hupim at Supim. Ang pangalan ng kapatid niyang babae ay Maaca. Ang pangalawang anak ni Maquir ay si Zelofehad. Babae namang lahat ang anak nito. Si Maaca na asawa ni Maquir ay nagkaanak ng lalaki, at ito'y pinangalanan niyang Peres. Ang sumunod ay si Seres. Dalawa naman ang naging anak nito, sina Ulam at Requem. Ang anak ni Ulam ay si Bedan. Ito ang mga angkan ni Gilead na anak ni Maquir at apo ni Manases. Ang kapatid niyang babae ay si Hamolequet na ina nina Ishod, Abiezer at Mahla. Ang mga anak naman ni Semida ay sina Ahian, Shekem, Likhi at Aniam. Ito ang mga sumunod na salinlahi ni Efraim: si Sutela na ama ni Bered na ama ni Tahat. Si Tahat ang ama ni Elada na ama ni Tahat. Siya ang ama ni Zabad na ama ni Sutela. Anak din niya sina Ezer at Elad na pinatay ng mga taga-Gat nang tangkain nilang nakawin ang kawan ng mga tagaroon. Matagal itong ipinagluksa ni Efraim kaya't inaliw siya ng kanyang mga kapatid. Ngunit naglihi muli ang kanyang asawa, at lalaki naman ang naging anak. Beria ang ipinangalan niya rito dahil sa kasawiang inabot nila. Nagkaanak pa siya ng isang babae at pinangalanan niyang Seera. Ito ang nagtayo ng lunsod ng Beth-horon Ibaba, ng Beth-horon Itaas at ng Uzenseera. Anak din niya si Refa na anak ni Resef. Anak ni Resef si Tela at anak naman nito si Tahan na ama ni Ladan. Anak ni Ladan si Amihud na ama ni Elisama. Anak ni Elisama si Nun na ama ni Josue. Ang lupaing sakop nila ay ang Bethel, at sa dakong silangan ay ang Naaran. Sa kanluran naman ay ang Gezer, Shekem at Gaza, kasama ang lahat ng mga bayang nasasakop ng mga ito. Subalit ang Beth-sean, Megido, Dor at ang mga bayang nasa paligid ng mga ito ay sakop ng lipi ni Manases. Dito nanirahan ang mga angkan ni Jose na anak ni Jacob. Ang mga anak ni Asher ay sina Imna, Isva, Isvi, Berias. Si Sera lang ang babae. Ang mga anak naman ni Berias ay sina Heber at Malquiel na ama ni Birzavit. Si Heber ang ama nina Jaflet, Somer, Jotam. Si Sua lang ang kapatid nilang babae. Ang mga anak ni Jaflet ay sina Pasac, Bimhal at Asvat. Ang mga anak naman ni Somer ay sina Ahi, Rohga, Jehuba at Aram. Ang mga anak ng kapatid niyang si Helem ay sina Zofa, Imna, Seles at Amal. Ang mga anak ni Zofa ay sina Suah, Harnefer, Sual, Beri, Imra, Bezer, Hod, Samna, Silsa, Itran at Beera. Ang mga anak ni Jeter ay sina Jefune, Pispa at Ara. Ang mga anak ni Ulla ay sina Ara, Haniel at Rizia. Lahat ng ito'y buhat sa lipi ni Asher na mga pinuno ng kani-kanilang sambahayan at kilalang mga mandirigma. Ang kawal nila'y umaabot sa 26,000. Si Bela ang panganay na anak ni Benjamin, si Asbel ang pangalawa, at si Ahara ang pangatlo. Ang pang-apat ay si Noha, at si Rafa ang panlima. Ang mga anak naman ni Bela ay sina Adar, Gera, Abihud, Abisua, Naaman, Ahoa, Gera, Sefufan at Huram. Ang mga anak naman ni Ehud ang ginawang pinuno ng mga angkang naninirahan sa Geba. Ngunit napilitang lumipat sa Manahat sina Naaman, Ahias at Gera na nanguna sa kanila na siya ring ama nina Uza at Ahihud. Si Saaraim ay nagkaanak sa lupain ng Moab, matapos niyang paalisin ang dalawa niyang asawang sina Husim at Baara. Ito ang mga anak niya kay Hodes: sina Jobab, Sibia, Mesa, Malcam; Jeuz, Sachia at Mirma. Ang mga anak niyang ito ay naging mga pinuno ng kani-kanilang sambahayan. Ang mga anak niya kay Husim ay sina Abitob at Elpaal. Ang mga anak ni Elpaal ay sina Eber, Misam at Semed. Si Semed ang nagtatag ng mga lunsod ng Ono at Lod at mga nayon nito. Anak din ni Elpaal sina Berias at Sema na mga pinuno ng sambahayan sa Ayalon. Sila ang nagpalayas sa mga mamamayan ng Gat. Anak ni Beria sina Ahio, Sasac at Jeremot, sina Zebadias, Arad, Adar, Micael, Ispa at Joha. Sina Zebadias, Mesulam, Hizki, Heber, Ismerai, Izlia at Jobab ay mga anak naman ni Elpaal. Sina Jaquim, Zicri, Zabdi, Elienai, Zilletai, Eliel, Adaya, Beraya at Simrat ay mga anak naman ni Simei. Mga anak naman ni Sasac sina Ispan, Eber, Eliel, Abdon, Zicri, Hanan, Hananias, Elam, Anatotias, Ifdaya at Penuel. Sina Samserai, Seharia, Atalia, Jaaresias, Elias at Zicri ay mga anak naman ni Jeroham. Lahat sila'y kabilang sa listahan ng mga angkan bilang pinuno ng sambahayan at mga pinunong nakatira sa Jerusalem. Si Jeiel ang nagtatag ng bayan ng Gibeon at doon siya nanirahan. Ang asawa niya'y si Maaca. Ang panganay nilang anak ay si Abdon at ang sumunod ay sina Sur, Kish, Baal, Nadab, Gedor, Ahio, Zequer at Miclot, ama ni Simea. Sila'y nanirahang kasama ng kanilang mga kamag-anak sa Jerusalem, katapat ng iba nilang angkan. Si Ner naman ang ama ni Kish na ama ni Saul. Anak ni Saul sina Jonatan, Melquisua, Abinadab at Esbaal. Ang anak ni Jonatan ay si Merib-baal na ama naman ni Mica. Ang mga anak ni Mica ay sina Piton, Melec, Tarea at Ahaz. Anak ni Ahaz si Joada at mga anak naman nito sina Alemet, Azmavet at Zimri, na ama naman ni Moza. Anak ni Moza si Binea na ama nina Rafa, Elasa at Azel. Anim ang anak ni Azel, sina Azrikam, Bocru, Ismael, Searias, Obadias at Hanan. Si Esec na kapatid ni Azel ay may mga anak din. Ang panganay niya ay si Ulam at ang mga sumunod ay sina Jeus at Elifelet. Ang mga anak ni Ulam ay magigiting na mandirigma at mahuhusay gumamit ng pana. Ang mga anak at apo niya'y umaabot sa 150. Lahat sila'y buhat sa lipi ni Benjamin. Ang lahat ng mamamayan ng Israel ay naitala ayon sa kanya-kanyang lipi. Ito'y nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Ang mga taga-Juda ay ipinatapon sa Babilonia bilang parusa sa kanilang kasamaan. Ang mga unang bumalik sa kanilang mga lunsod at lupain ay ang mga pari, mga Levita, mga tagapaglingkod sa Templo at mga karaniwang mamamayan. May mga angkan sina Juda, Benjamin, Efraim at Manases na tumira sa Jerusalem. Sa angkan naman ni Peres na anak ni Juda ay si Utai na anak ni Amihud at apo ni Omri. Ang iba pang angkan niya ay sina Imri at Bani. Sa angkan ni Sela, si Asaya ang pinakamatanda at ang mga anak niya. Sa angkan ni Zera, si Jeuel at ang kanyang mga angkan, lahat-lahat ay 690 pamilya. Sa lipi naman ni Benjamin: si Sallu, na anak ni Mesulam, na anak ni Hodavias na anak naman ni Asenua. Si Ibnias na anak ni Jeroham; si Ela na anak ni Uzi na anak naman ni Micri, si Mesulam na anak ni Sefatias, na anak ni Reuel na anak ni Ibnia. Ang kabuuan ng kanilang mga angkan ay umaabot sa 956. Lahat sila'y pinuno ng kani-kanilang sambahayan. Sa pangkat naman ng mga pari ay kabilang sina Jedaias, Joiarib at Jaquin. Si Azarias na anak ni Hilkias ang pinakapuno sa Templo. Ang mga ninuno niya'y sina Zadok, Meraiot at Ahitob. Kasama rin si Adaya na anak ni Jeroham at apo ni Pashur na anak ni Malquias. Anak ni Malquias si Masai at apo ni Adiel. Ito'y anak ni Jazera na anak ni Mesulam na anak ni Mesilemit na anak ni Imer. Ang mga ito'y pinuno ng kani-kanilang sambahayan, pawang may kakayahan sa paglilingkod sa Templo at ang bilang nila ay umaabot sa 1,760. Ito naman ang listahan ng mga Levita: sa angkan ni Merari ay si Semaya na anak ni Hasub at apo ni Azrikam na anak naman ni Hashabias. Kabilang din sina Bacbacar, Heres at Galal. Si Matanias ay anak ni Mica na anak ni Zicri na mula sa angkan ni Asaf. Sa angkan ni Jeduthun ay kabilang si Obadias na anak ni Semaya at apo ni Galal, at si Berequias na anak ni Asa at apo ni Elkana. Sa mga nayon ng Netofa sila naninirahan. Ang mga bantay sa pinto ng Templo ay sina Sallum, Akub, Talmon at Ahiman. Ang pinuno nila ay si Sallum. Sila ang bantay sa pintong-pasukan ng hari sa gawing silangan ng Templo at dating bantay sa kampo ng mga anak ni Levi. Si Sallum ay anak ni Korah at apo ni Ebiasaf na anak ni Korah. Kasama nila ang iba pang mula sa angkan ni Korah. Sila ang nakakaalam sa pagpasok sa Templo, gaya ng kanilang mga ninuno noong sila pa ang namahala sa kampo. Si Finehas na anak ni Eleazar ang tagapamahala nila noon, at pinapatnubayan siya ni Yahweh. Si Zacarias na anak ni Meselemias ang bantay-pinto sa Toldang Tipanan. Ang lahat ng bantay-pinto ay umaabot sa 212. Sila'y kabilang sa listahan ng kani-kanilang nayon. Si David at ang propetang si Samuel ang naglagay sa kanila sa tungkuling ito sapagkat sila'y mapagkakatiwalaan. Sila at ang kanilang mga anak ang naging bantay sa pinto ng Templo. Sa apat na panig nito, sa silangan, sa kanluran, sa hilaga at sa timog ay may mga bantay. Ang mga kamag-anak nila sa mga nayon sa paligid ay dumarating doon tuwing ikapitong araw upang makatulong nila. Kailangan nilang gawin ito sapagkat ang apat na Levitang bantay doon ay namamahala rin sa mga silid at kayamanang nasa Templo. Doon na sila natutulog sa Templo, sapagkat sa kanila ipinagkatiwala ang pangangalaga at pagbabantay niyon. Sila rin ang nagbubukas ng Templo tuwing umaga. Ang iba sa kanila'y tagapangalaga ng mga kagamitan sa paglilingkod, sapagkat kailangang bilangin nila iyon tuwing gagamitin at ibabalik sa lalagyan. Ang iba nama'y nangangalaga ng mga kasangkapan, ang iba naman ay sa mga kagamitan sa paglilingkod, tulad ng pinong harina, alak, langis, insenso at mga pabango. At ang iba pa ang taga-timpla ng mga pabango. Isa sa mga Levita na mula sa angkan ni Korah, si Matitias na panganay ni Sallum ang tagagawa ng manipis na tinapay. May ilan pang mula sa angkan ni Kohat ang tagaayos naman sa mga tinapay na handog tuwing Araw ng Pamamahinga. Ito ang mga pinuno ng mga sambahayang Levita na umaawit at doon na rin tumitira sa mga silid sa Templo. Wala silang ibang gawain, sapagkat kailangang gampanan nila ang kanilang tungkulin araw-gabi. Sila'y mga pinuno ng mga sambahayang Levita ayon sa angkan at sila'y sa Jerusalem naninirahan. Doon din tumitira si Jelhiel, ang nagtatag ng bayan ng Gibeon. Ang asawa niya'y si Maaca. Ang mga anak nila'y sina Abdon, Zur, Kish, Baal, Ner, Nadab, Gedor, Ahio, Zacarias at Miclot. Si Miclot ang ama ni Simeam at ng iba pang kamag-anak nilang nakatira sa tapat ng Jerusalem. Si Ner ang ama ni Kish na ama naman ni Saul. Si Saul ang ama nina Jonatan, Melquisua, Abinadab at Esbaal. Ang anak ni Jonatan ay si Merib-baal na ama naman ni Mica. Ang mga anak ni Mica ay sina Piton, Melec, Tarea at Ahaz. Si Ahaz ang ama ni Jara, at si Jara naman ang ama nina Alemet, Azmavet at Zimri. Si Zimri ang ama ni Moza, at si Moza naman ang ama ni Binea na ama nina Refaya, Elasa at Azel. Ang mga anak ni Azel ay sina Azrikam, Bocru, Ismael, Seraya, Obadias at Hanan. Dinigma ng mga Filisteo ang mga Israelita; kaya't ang mga Israelita ay nagsitakas, at marami sa kanila ang namatay sa Bundok ng Gilboa. Si Saul at ang kanyang mga anak ay inabutan ng mga Filisteo; pinatay ng mga Filisteo sina Jonatan, Abinadab at Melquisua, ang mga anak ni Saul. Napakatindi ng labanan sa palibot ni Saul; at nang siya'y makita at panain ng mga manunudla, si Saul ay malubhang nasugatan. Dahil dito, sinabi ni Saul sa tagapagdala ng kanyang mga gamit-pandigma, “Saksakin mo na ako upang hindi na ako abutang buháy ng mga paganong iyan, at paglaruan pa nila.” Ngunit tumanggi ito, sapagkat natatakot siyang gawin ito. Kaya't binunot ni Saul ang kanyang espada, at sinaksak niya ang sarili. Nang makita ng tagapagdala na nagpakamatay si Saul, ganoon din ang ginawa nito sa kanyang sarili. Kaya't sabay-sabay na namatay si Saul, ang kanyang tatlong anak na lalaki, at lahat ng kanyang mga kamag-anak. Nang makita ng mga Israelitang nasa libis na tumakas na ang hukbo ng Israel at nang mabalitaang napatay na si Saul at ang mga anak nito, nilisan nila ang kanilang mga bayan at tumakas na rin. Kaya't nang dumating ang mga Filisteo, dito na sila nagkuta. Kinabukasan, nang puntahan ng mga Filisteo ang kanilang mga napatay upang samsaman, natagpuan nila sa Bundok ng Gilboa ang bangkay ni Saul at ng tatlo niyang anak. Hinubaran nila si Saul, pinugutan ng ulo at kinuha ang kanyang mga gamit-pandigma. Pagkatapos, nagpadala sila ng mga sugo sa buong lupain upang ibalita sa mga Filisteo at sa kanilang mga diyus-diyosan ang kanilang tagumpay. Ang mga gamit-pandigma ni Saul ay dinala nila sa templo ng kanilang mga diyus-diyosan at ang ulo niya'y isinabit nila sa templo ng kanilang diyos na si Dagon. Subalit nang mabalitaan ng mga taga-Jabes-gilead ang ginawa ng mga Filisteo kay Saul, nagtipun-tipon ang mga magigiting na mandirigma at kinuha nila ang bangkay ni Saul at ng kanyang mga anak. Dinala nila ang mga ito sa Jabes, at doo'y inilibing sa ilalim ng malaking puno. Pitong araw silang nag-ayuno bilang pagluluksa. Namatay si Saul sapagkat hindi siya naging tapat kay Yahweh at sinuway niya ang kanyang mga utos; sumangguni pa siya sa kumakausap sa espiritu ng namatay na sa halip na kay Yahweh. Kaya siya'y pinatay ni Yahweh at ibinigay ang paghahari kay David na anak ni Jesse. Ang buong sambayanang Israel ay nagpunta kay David sa Hebron. “Kami ay dugo ng iyong dugo at laman ng iyong laman,” sabi nila. “Nang panahong hari si Saul, pinangunahan mo ang hukbo ng Israel sa pakikipaglaban, at ibinabalik mo silang muli. Sinabi sa iyo ni Yahweh na iyong Diyos ang ganito: ‘Ikaw ang magiging pastol ng aking bayang Israel. Ikaw ang mamumuno sa kanila.’” Lahat ng pinuno ng Israel ay pumunta sa Hebron, at sa harapan ni Yahweh ay gumawa si David ng kasunduan sa kanila. Binuhusan nila ito ng langis, at itinanghal na hari ng Israel. Kaya't natupad ang sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Samuel. Ang Jerusalem na noo'y tinatawag na Jebus ay sinalakay ni Haring David at ng mga Israelita. Ngunit sinabi sa kanya ng mga Jebuseo na hindi siya makakapasok sa lunsod. Gayunman, pumasok din si David at nakuha nito ang kampo ng Zion, kaya't kilala ngayon ang lugar na iyon na Lunsod ni David. Bago nila pinasok ito, sinabi ni David, “Ang unang makapatay ng isang Jebuseo ay gagawin kong pinuno.” Ang unang nangahas umakyat sa kampo ay si Joab na anak ni Zeruias, kaya siya ang ginawang pinakamataas na pinuno ng hukbo. Doon tumira si David sa kampo, kaya tinawag ang lugar na iyon na Lunsod ni David. Pinalawak niya ang lunsod sa palibot nito mula sa Millo, samantalang itinayong muli ni Joab ang ibang bahagi ng lunsod. Lalong tumatag ang paghahari ni David, sapagkat pinapatnubayan siya ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat. Ito naman ang mga pinuno ng mga magigiting na tauhan ni David na sa tulong ng buong Israel, ay nagpalakas at nagpatatag ng kanyang kaharian, sa pangako ni Yahweh. Una sa lahat, ay si Jasobeam, isang Hacmonita. Siya ang pinuno ng pangkat na Tatlo. Kahit nag-iisa, nakapatay siya ng 300 kaaway sa pamamagitan lamang ng kanyang sibat. Ang pangalawa'y si Eleazar, isa sa tinaguriang Tatlo. Siya'y anak ni Dodo na isang Ahohita. Si Eleazar ang kasama ni David sa Pas-dammim nang mapalaban sila sa mga Filisteo sa isang bukid ng sebada. Natakot noon ang mga Israelita, at sila'y tumakas. Ngunit tumayo si Eleazar sa gitna ng bukid at nakipaglaban. Sa ginawang ito, napatay niya ang mga Filisteo at nagtagumpay sa tulong ni Yahweh. Minsan, nang ang mga Filisteo'y nagkakampo sa kapatagan ng Higante, tatlo sa tatlumpung mga pinuno ng Israel ang bumabâ sa kampo ni David, malapit sa yungib ng Adullam. Noo'y nasa isang kuta si David; nasakop naman ng isang pangkat ng mga Filisteo ang Bethlehem. Minsa'y buong pananabik na nasabi ni David, “May magbigay sana ng tubig sa akin mula sa balon sa tabi ng pintuang papasok sa Bethlehem!” Nang marinig ito, sumugod agad ang tatlong magigiting na kawal, lumusot sa hanay ng mga Filisteo at kumuha nga ng tubig. Ngunit hindi ito ininom ni David. Sa halip, ibinuhos niya ito bilang handog kay Yahweh. Sinabi niya, “Hindi ko maiinom ito sapagkat para nang dugo nila ang aking ininom. Buhay ang itinaya nila sa pagkuha nito!” Ito ang isa sa mga kagitingang ginawa ng Tatlo. Si Abisai na kapatid ni Joab ay nakapatay ng tatlong daang kaaway sa pamamagitan ng sibat, kaya lalo siyang kinilala ng Bantog na Tatlumpu na kanyang pinamumunuan. Siya ang pinakamatapang sa Tatlumpu kaya naging pinuno ng mga ito. Ngunit hindi niya napantayan ang Tatlong mandirigma. Kabilang din sa mga kinilalang kawal si Benaias na anak ni Joiadang taga-Kabzeel. Siya naman ang pumatay sa dalawang mandirigma sa Moab, at lumusong sa balon minsang taglamig at pumatay sa leong naroon. Siya rin ang pumatay sa higanteng Egipcio na dalawa't kalahating metro ang taas at may armas na isang sibat na ang hawakan ay napakalaki. Sinagupa niya ito na ang hawak lamang niya'y batuta, ngunit naagaw niya ang sibat. Ito na rin ang ginamit niya sa pagpatay sa higante. Dahil sa mga ginawang ito, siya'y nakilala rin, tulad ng Tatlo. Nangunguna siya sa Tatlumpu, ngunit hindi rin niya nahigitan ang kagitingan ng Tatlo. Siya ang ginawa ni David na pinuno ng kanyang mga bantay. Narito ang mga lalaking pumunta sa Ziklag at sumama kay David noong siya'y nagtatago kay Saul. Sila'y kilalang mandirigma, kaliwa't kanan kung gumamit ng pana, at asintado sa tirador. Sa lipi ni Benjamin mula sa angkan ni Saul: si Ahiezer, ang pinakapinuno at si Joas ang pangalawa, parehong anak ni Semaa na taga-Gibea; sina Jeziel at Pelet na mga anak ni Azmavet; sina Beraca at Jehu na parehong taga-Anatot; si Ismaias, na taga-Gibeon, isa sa mga pinuno ng Tatlumpu; sina Jeremias, Jahaziel, Johanan at Jozabad na mga taga-Gedera; sina Eluzai, Jerimot, Bealias, Semarias at Sefatias na taga-Haruf; sina Elkana, Isaias, Azarel, Joezer at Jasobeam na buhat sa angkan ni Korah; sina Jocla at Zebadias na mga anak ni Jeroham na taga-Gedor. Sa lipi ni Gad, ang sumama kay David ay mga mahusay na mandirigma at sanay sa paggamit ng sibat at kalasag, mababagsik na parang leon at kung kumilos ay simbilis ng mga usa sa bundok. Ang pinakapinuno nila ay si Eser at ang iba pa ayon sa pagkakasunud-sunod ay sina Obadias, Eliab, Mismana, Jeremias, Atai, Eliel, Johanan, Elzabad, Jeremias at Macbanai. Ang mga ito'y mga opisyal ng hukbo na ang pinakamaliit na pinapamahalaan ay hindi bababâ sa isang daan at ang pinakamalaki ay isang libo. Sila ang tumawid sa Ilog Jordan nang unang buwan na ito'y umaapaw at naging dahilan nang paglikas ng mga taong naninirahan sa silangan at kanluran ng kapatagan doon. May iba pang mga tauhan mula sa mga lipi nina Benjamin at Juda na sumama na rin kay David. Ang mga ito'y sinalubong ni David na nagsasabing, “Kung naparito kayo bilang mga kaibigan, tatanggapin ko kayo. Ngunit kung mga kaaway, kahit wala pa akong nagagawang karahasan, hatulan nawa kayo ng Diyos ng aming mga ninuno.” Noon din si Amasai na pinuno ng Tatlumpu ay kinasihan ng Espiritu ng Diyos at nagsabi: “Kami'y sa iyo, O David, kami'y kakampi mo, anak ni Jesse! Kapayapaan nawa'y sumaiyo at sa mga kapanalig mo! Sapagkat Diyos ang iyong katulong.” Malugod silang tinanggap ni David at ginawa silang mga pinuno sa kanyang hukbo. Mayroon ding mula sa lipi ni Manases na nakiisa kay David nang kanilang sasalakayin si Saul, kasama ng mga Filisteo. Hindi na natuloy ang pagtulong niya sa mga Filisteo sapagkat hindi nagtiwala sa kanya ang mga pinuno nito. Siya'y pinaalis at sinabi, “Malalagay lamang sa panganib ang ating buhay, sapagkat tiyak na kay Saul pa rin papanig ang taong iyan!” Nang bumalik na si David sa Ziklag, dumating nga sa kanya ang mga tauhan mula sa lipi ni Manases. Ito'y sina Adna, Jozabad, Jediael, Micael, Jozabad, Eliu at Zilletai. Bawat isa sa kanila'y pinuno ng sanlibong kawal. Malaki ang naitulong nila kay David at sa kanyang mga tauhan, sapagkat sanay silang mandirigma. Ang mga ito'y ginawa niyang mga opisyal sa kanyang hukbo. Araw-araw, may dumarating kay David upang tumulong, kaya't nakabuo siya ng napakalaking hukbo. Ito ang bilang ng mga kawal na nagpunta kay David sa Hebron upang ilipat sa kanya ang pagiging hari ni Saul ayon sa pangako ni Yahweh: Ang lahat ng ito ay handang makipagdigma, at nagpunta sa Hebron na iisa ang layunin: gawing hari ng Israel si David. Tatlong araw silang kumain at uminom na kasama ni David sapagkat sila'y ipinaghanda roon ng kanilang mga kababayan. Maging ang mga taga kalapit-bayan ng Isacar, Zebulun at Neftali ay nagdala sa kanila ng pagkain. Dumating sila roon na dala ang mga asno, kamelyo, bisiro at toro, at sari-saring pagkain tulad ng harina, igos, mga kumpol ng tinuyong ubas, alak, langis, mga toro at tupa. Nagkaroon ng malaking pagdiriwang sa buong Israel. Sumangguni si David sa mga pinuno ng mga pangkat ng libu-libo at daan-daang kawal. Sinabi niya sa buong sambayanan ng Israel, “Kung sumasang-ayon kayo, at kung ito'y ayon sa kalooban ni Yahweh na ating Diyos, anyayahan natin dito ang mga kapatid nating wala rito, pati ang mga pari at mga Levitang nasa mga lunsod na may pastulan. Pagkatapos, kunin nating muli ang Kaban ng Tipan na napabayaan natin noong panahon ni Saul.” Sumang-ayon ang lahat sa magandang panukalang ito. Kaya't tinipon ni David ang mga Israelita mula sa Sihor sa Egipto hanggang sa pasukan ng Hamat upang kunin sa Lunsod ng Jearim ang Kaban ng Tipan at dalhin sa Jerusalem. Pumunta silang lahat sa Baala papuntang Lunsod ng Jearim sa Juda upang kunin ang Kaban ng Tipan ng Diyos na si Yahweh, na nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin. Pagdating nila sa bahay ni Abinadab, isinakay nila ang Kaban ng Tipan sa isang bagong kariton na inaalalayan nina Uza at Ahio. Si David at ang buong Israel ay sumasayaw at umaawit sa saliw ng tugtugan ng mga lira, alpa, tamburin, pompiyang at trumpeta. Ngunit pagsapit nila sa giikan sa Quidon, natisod ang mga bakang humihila sa kariton kaya't hinawakan ni Uza ang Kaban ng Tipan upang hindi mahulog. Dahil dito, nagalit sa kanya si Yahweh kaya't namatay siya noon din. Nagalit si David dahil pinarusahan ng Diyos si Uza, kaya't ang lugar na iyon ay tinawag na Perez-uza mula noon. Subalit natakot rin si David sa Diyos kaya't nasabi niya, “Paano ko ngayon iuuwi ang Kaban ng Tipan?” Sa halip na iuwi ito sa Jerusalem, dinala niya ang Kaban sa bahay ni Obed-edom na taga-lunsod ng Gat. Tatlong buwan doon ang Kaban. At pinagpala ni Yahweh ang sambahayan ni Obed-edom, pati na ang lahat ng kanyang ari-arian. Si Hiram na Hari ng Tiro ay nagpadala ng mga sugo kay David. Binigyan niya si David ng mga kahoy na sedar at nagsugo rin siya ng mga kantero at karpintero upang gumawa ng palasyo para kay David. Dito nabatid ni David na pinagtibay na ni Yahweh ang pagiging hari niya sa Israel, at ang kanyang kaharian ay pinasagana alang-alang sa bayang Israel. Dinagdagan pa ni David ang kanyang mga asawa sa Jerusalem at nagkaanak siya ng marami. Ito ang mga anak niya na isinilang sa Jerusalem: sina Samua, Sobab, Natan, Solomon; Ibhar, Elisua, Elpelet; Noga, Nefeg, Jafia; Elisama, Beeliada, at Elifelet. Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ay itinanghal nang hari sa buong Israel, lumusob sila upang hanapin si David. Nalaman ito ni David kaya't hinarap niya ang mga Filisteo. Unang sinalakay ng mga Filisteo ang libis ng Refaim. Itinanong ni David sa Diyos, “Lalabanan ko po ba ang mga Filisteo? Magtatagumpay po ba ako laban sa kanila?” “Humayo ka,” sagot ni Yahweh, “pagtatagumpayin kita laban sa iyong mga kaaway.” Kaya't sinalakay niya ang mga Filisteo sa Baal-perazim, at natalo niya ang mga ito. Sinabi ni David, “Kinasangkapan ako ng Diyos upang lupigin ang mga kaaway na parang dinaanan ng rumaragasang baha.” Ito ang dahilan kung bakit tinawag ang lugar na iyon na Baal-perazim. Naiwan doon ng mga kaaway ang kanilang mga diyus-diyosan at iniutos ni David na sunugin ang mga ito. Sumalakay muli sa libis ang mga Filisteo. Dahil dito, muling nagtanong sa Diyos si David. Sinabi sa kanya, “Huwag mo silang sasagupain nang harapan. Lumibot ka, at doon ka sumalakay sa may likuran, sa tapat ng mga puno ng balsam. Kapag narinig mo ang mga yabag sa itaas ng mga puno, sumalakay ka na, sapagkat pinangungunahan ka ng Diyos upang wasakin ang hukbo ng mga Filisteo.” Ganoon nga ang ginawa ni David at naitaboy niya ang mga Filisteo mula sa Gibeon hanggang Gezer. Naging tanyag si David sa buong lupain, at ginawa ni Yahweh na matakot kay David ang lahat ng mga bansa. Nagpagawa si David para sa kanyang sarili ng maraming bahay sa Jerusalem. Naghanda rin siya ng isang lugar para sa Kaban ng Tipan at nagpatayo ng isang tolda para rito. Sinabi niya, “Walang maaaring bumuhat sa Kaban ng Tipan ng Diyos maliban sa mga Levita, sapagkat sila ang pinili ni Yahweh upang magdala ng kanyang kaban at maglingkod sa kanya habang panahon.” Pagkatapos, tinipon ni David sa Jerusalem ang buong Israel upang dalhin ang Kaban ng Tipan sa lugar na inilaan para dito. Tinipon din niya ang mga mula sa angkan ni Aaron at ang mga Levita: sa angkan ni Kohat, si Uriel at ang 120 kamag-anak na pinamumunuan niya; sa angkan ni Merari, si Asaias at ang pinamumunuan niyang 220 mga kamag-anak; sa angkan ni Gershon ay si Joel at ang 130 kasama niya; sa angkan ni Elizafan, si Semaias at ang 200 mga kamag-anak na kanyang pinamumunuan; sa angkan ni Hebron, si Eliel at ang walumpung kamag-anak niya; at sa angkan ni Uziel, si Aminadab at ang pinamumunuan niyang 112 mga kamag-anak. Ipinatawag ni David ang mga paring sina Zadok at Abiatar, at ang mga Levitang sina Uriel, Asaias, Joel, Semaias, Eliel, at Aminadab. Sinabi niya sa kanila, “Kayo ang mga pinuno ng angkan ng mga Levita. Linisin ninyo ang inyong sarili pati ang inyong mga kapatid at dalhin ninyo ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel sa lugar na inihanda ko para dito. Dahil hindi namin kayo kasama nang unang buhatin ito, nagalit ang Diyos nating si Yahweh sapagkat hindi namin ginawa ang ayon sa ipinag-uutos niya.” Kaya nilinis ng mga pari at ng mga Levita ang kanilang sarili upang dalhin ang Kaban ng Tipan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Pinasan ito ng mga Levita sa pamamagitan ng mga kahoy na pambuhat, ayon sa iniutos ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises. Inutusan din ni David ang mga pinunong Levita na pumili ng mga kapwa nila Levita upang umawit at tumugtog ng lira, alpa at pompiyang. Kaya kinuha nila si Heman na anak ni Joel, si Asaf na anak ni Berequias; sa angkan ni Merari, si Etan, anak ni Cusaias. Sa pangalawang hanay ng mang-aawit at manunugtog ay pinili nila sina Zacarias, Jaazael, Semiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Benaias, Maasias, Matitias, Elifelehu, Micneias at sina Obed-edom at Jeiel, mga bantay sa pinto. Sina Heman, Asaf at Etan ang pinili nilang tumugtog ng pompiyang. Sina Zacarias, Aziel, Semiramot, Jehiel, Uni, Eliab, Maasias at Benaias ang tutugtog ng mga lirang mataas ang tono. At sina Matitias, Elifelehu, Micneias, Obed-edom, Jeiel at Azazias naman ang sa mga lirang mababa ang tono. Ang kukumpas sa pagtugtog ay si Quenanias, pinuno ng mga manunugtog na Levita, sapagkat siya ang sanay sa gawaing ito. Pagkatapos, si David, ang pinuno ng Israel at ang mga pinuno ng libu-libong kawal ay masayang nagpunta sa bahay ni Obed-edom upang kunin ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. Sa tulong ng Diyos, nadala ng mga Levita ang Kaban ng Tipan, kaya't sila'y naghandog ng pitong toro at pitong tupang lalaki. Si David ay nakasuot ng kamisetang yari sa magandang telang lino, gayundin ang mga Levitang may dala sa Kaban, ang mga manunugtog at si Kenaniaz, ang pinuno ng mga manunugtog. Suot din ni David ang isang efod na lino. Ang buong Israel ay kasama nang kunin ang Kaban ng Tipan ni Yahweh. Sila'y nagsisigawan sa galak, hinihipan ang tambuli at trumpeta, at tinutugtog ang pompiyang, lira at alpa. Habang ipinapasok sa Lunsod ni David ang Kaban ng Tipan, si Mical, anak na babae ni Saul ay dumungaw sa bintana. Nang makita niyang si David ay nagsasayaw sa tuwa, siya'y labis na nainis. Ipinasok nila ang Kaban ng Tipan sa toldang inihanda ni David para dito. Nag-alay sila ng mga handog na susunugin at handog pangkapayapaan sa harapan ng Diyos. Matapos makapaghandog, binasbasan ni David ang mga tao sa pangalan ni Yahweh, at binigyan niya ang bawat Israelita ng tinapay, karne at bibingkang may pasas. Naglagay rin siya ng ilang Levita na maglilingkod sa harap ng Kaban ng Tipan ni Yahweh upang manalangin, magpasalamat at magpuri kay Yahweh na Diyos ng Israel. Si Asaf ang pinuno at ang mga katulong niya ay sina Zacarias, Jeiel, Semiramot, Jehiel, Matitias, Eliab, Benaias, Obed-edom, at Jeiel. Ang tinutugtog nila'y mga alpa at lira, at ang kay Asaf naman ay pompiyang. Ang mga paring sina Benaias at Jahaziel ang tumutugtog ng mga trumpeta araw-araw sa harap ng Kaban ng Tipan ng Diyos. Nang araw na iyon, iniatas ni David kay Asaf at sa mga kasama nito ang tungkol sa pag-awit ng pasasalamat kay Yahweh. Magpasalamat kay Yahweh, tumawag sa kanyang pangalan; ang lahat ng gawa niya sa lahat ay ipaalam. Umawit ng pagpupuri at siya ay parangalan, ang kahanga-hangang gawa'y ibalita kahit saan. Dapat kayong magalak, sapagkat kayo'y kanyang bayan, ang lahat ng sumasamba sa kanya ay magdiwang. Lumapit kayo kay Yahweh upang tulong niya'y hingin, sa tuwina'y parangalan siya at sambahin. Inyong alalahanin ang mga kamangha-mangha niyang gawa, ang matuwid na paghatol at gawang kahanga-hanga. Mga supling ni Abraham na kanyang lingkod, ang mga hinirang niya na mga anak ni Jacob. Si Yahweh ang ating Diyos, nasa buong mundo ang kanyang mga utos. Tipan niyang walang hangga'y hindi niya lilimutin, kahit libong salinlahi ito'y kanyang tutuparin. Ang ginawa niyang tipan kay Abraham, pinagtibay kay Isaac ang pangakong sinumpaan. Kay Jacob ibinigay, pinagtibay na kautusan, walang hanggang tipan sa Israel, ito ang nilalaman: “Ang lupain ng Canaan sa iyo nakalaan. Ito'y isang pamana ko sa iyo at sa iyong angkan.” Nang sila ay kakaunti pa at walang halaga, nangibang-bayan sila't sa Canaan nakitira. Sa maraming bansa sila'y natatagpuan, nagpalipat-lipat sa iba't ibang kaharian. Di hinayaan ng Diyos sila'y alipinin, mga hari'y binalaang huwag silang aapihin. Sabi niya, “Huwag sasaktan ang bayan kong hinirang, ang mga propeta ko ay iyong igalang.” Umawit ka kay Yahweh, buong sanlibutan, ipahayag araw-araw, bigay niyang kaligtasan. Ipahayag sa mga bansa kanyang kaluwalhatian. Sabihin sa mga tao gawa niyang makapangyarihan. Si Yahweh ay dakila at karapat-dapat papurihan, siya ay higit sa mga diyos ng buong sanlibutan. Ang diyos ng mga bansa ay mga diyus-diyosan lamang, ngunit si Yahweh ang lumikha ng buong kalangitan. Kanya ang kaluwalhatian at karangalan, lakas at kagalakan nasa kanyang tahanan. Si Yahweh ay purihin ng lahat ng mga bansa, dapat siyang kilalanin na marangal at dakila. Kilalanin ng lahat maluwalhati niyang pangalan, bawat isa'y lumapit at siya ay handugan. Sambahin si Yahweh sa diwa ng kabanalan, sa harap niya ay gumalang ang lahat ng mga bansa. Ang sandigan ng daigdig ay matibay niyang ginawa. Magalak ang kalangitan, ang daigdig ay matuwa. “Si Yahweh ay naghahari,” ganito ang ibalita. Magpuri ang karagatan at ang lahat ng naroon, ang lahat sa kabukira'y magpuri kay Yahweh. Umawit ang mga punongkahoy na nasa kagubatan sa pagdating ni Yahweh upang lahat ay hatulan. Purihin si Yahweh, sa kanyang kabutihan; pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman. Sabihin ding: “Iligtas mo kami, O Diyos ng aming kaligtasan, tipunin mo kami ngayon at iligtas sa kalaban; upang aming pasalamatan ang banal mong pangalan at purihin ka sa iyong kaluwalhatian.” Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel, purihin siya ngayon at magpakailanman! Pagkatapos, ang buong bayan ay sumagot ng “Amen,” at nagpuri kay Yahweh. Si Asaf at ang kanyang mga kamag-anak ay inatasan ni David na mangasiwa sa pagsambang idinaraos araw-araw sa lugar na kinalalagyan ng Kaban ng Tipan. Si Obed-edom kasama ang animnapu't walong kamag-anak niya ang tutulong sa kanila. Si Obed-edom na anak ni Jeduthun at si Hosa naman ang magbabantay sa pinto. Inatasan naman ni David si Zadok at ang mga kamag-anak nitong pari na maglingkod sa tabernakulo ni Yahweh sa Burol ng Gibeon. Umaga't gabi, ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Yahweh para sa Israel, patuloy silang nag-aalay ng mga handog na susunugin sa altar. Kasama nila roon sina Heman at Jeduthun at iba pang pinili upang magpasalamat kay Yahweh sapagkat pag-ibig niya'y tunay at laging tapat kailanman. Silang dalawa ang tumutugtog ng trumpeta at pompiyang at iba pang uri ng panugtog na pansaliw sa mga awiting ukol sa Diyos. Ang mga anak naman ni Jeduthun ang ginawang bantay sa pintuan. Pagkatapos, nagsiuwian na ang mga tao. Si David ay umuwi na rin upang makapiling ang kanyang pamilya. Nang si Haring David ay nakatira na sa kanyang palasyo, sinabi niya kay Propeta Natan, “Ang tahanan ko'y yari sa sedar, samantalang nasa isang tolda lamang ang Kaban ng Tipan ni Yahweh.” Sinabi ni Natan, “Gawin mo ang inaakala mong mabuti, sapagkat ang Diyos ay kasama mo.” Ngunit nang gabi ring iyon, sinabi ni Yahweh kay Natan, “Pumunta ka kay David na aking lingkod at sabihin mong hindi siya ang magtatayo ng Templo para sa akin. Sapagkat mula nang ilabas ko ang Israel mula sa Egipto hanggang sa araw na ito ay hindi pa ako nanirahan sa isang templo. Ang tahanan ko'y toldang palipat-lipat. Gayunman, kahit saan ako magpunta kasama ang bayang Israel, wala isa man sa mga hukom na inilagay kong tagapanguna ang sinumbatan ko o pinaghanapan man lang kung bakit hindi ako ipinagpatayo ng templong yari sa sedar. Sabihin mo kay David na aking lingkod na ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: ‘Inalis kita sa pagpapastol ng mga tupa upang pamunuan ang aking bayang Israel. Sinamahan kita saan ka man pumaroon, at sa harapan mo'y pinuksa ko ang iyong mga kaaway. Ang pangalan mo'y mapapabilang sa mga dakilang tao sa daigdig. Bibigyan ko ang Israel ng sariling lupain at hindi na sila pahihirapan ni gagambalain man ng masasamang tao, gaya ng nangyari sa kanila nang unang maglagay ako ng mga hukom sa aking bayang Israel. Papasukuin kong lahat ang iyong mga kaaway at patatatagin ko ang iyong angkan. Pagkamatay mo, isa sa mga anak mong lalaki ang hahalili sa iyo bilang hari, at patatatagin ko ang kanyang kaharian. Siya ang magtatayo ng aking templo at magiging walang katapusan ang kanyang paghahari. Ako'y kanyang magiging ama at siya'y aking magiging anak. Hindi magbabago ang aking pag-ibig sa kanya, di tulad ng ginawa ko sa sinundan mo. Siya ang pamamahalain ko sa aking bayan at kaharian habang panahon. Mananatili magpakailanman ang kanyang trono.’” Sinabi ni Natan kay David ang lahat nang narinig at nakita niya sa pangitain. Dumulog si Haring David kay Yahweh sa Toldang Tipanan at sinabi, “ Panginoong Yahweh, ako at ang aking sambahayan ay di karapat-dapat sa mga kabutihang ginawa mo na sa amin. Ang kabutihang ito'y patuloy mo pang dinaragdagan. At ngayon ay may pangako ka pa sa aking susunod na salinlahi. Panginoong Yahweh, itinuturing mo pa ako ngayon na isa sa mga dakilang tao. Sa ganitong pagpaparangal mo sa akin, ano pa ang masasabi ko? Higit mo akong kilala bilang iyong lingkod! Alang-alang sa akin na iyong lingkod, at ayon sa iyong kalooban, ipinahayag mo ang mga dakilang bagay na ito. Wala kang katulad, O Yahweh. Wala kaming kilalang Diyos na tulad mo. Mayroon bang bansa sa daigdig na maitutulad sa Israel? Tinubos mo siya sa pagkaalipin upang maging bayan mo. Nakilala ng marami ang iyong pangalan dahil sa ginawa mong mga kababalaghan. Pinalayas mo ang mga bansang dinatnan ng bayan mong ito na inilabas mo sa Egipto. Yahweh, tinanggap mo ang bayang Israel upang maging iyo magpakailanman, at kinilala ka namang Diyos nila. “Kaya pagtibayin mo ang iyong sinabi tungkol sa iyong lingkod, at patatagin magpakailanman ang kanyang angkan. Kung magkagayon, kikilalanin ang iyong pangalan at dadakilain ng mga tao. At sasabihin nila, ‘Si Yahweh ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel.’ Patatatagin mo ang paghahari ng angkan ng iyong lingkod na si David. Ikaw na rin ang naghayag sa akin ng iyong pangakong patatatagin ang aking sambahayan kaya malakas ang loob kong hilingin ito sa iyo. Ikaw, Yahweh, ay Diyos, at ang mga dakilang pangakong ito'y ginawa mo para sa iyong lingkod. Kaya basbasan mo nawa ang angkan ng iyong lingkod upang magpatuloy ito sa iyong harapan magpakailanman, sapagkat ang pinagpapala mo ay pinagpapala magpakailanman.” Pagkatapos nito, sinalakay ni David ang mga Filisteo at tinalo ang mga ito. Sinakop niya ang Gat at ang mga nayon nito. Tinalo niya ang mga Moabita at sinakop ang mga ito. Mula noo'y ipinag-utos niyang magbayad ng buwis ang mga ito. Tinalo rin niya si Haring Hadadezer ng Zoba sa labanan sa Hamat nang gusto nitong sakupin ang lupain sa may Ilog Eufrates. Nakasamsam si David ng sanlibong karwahe, nakabihag ng pitong libong mangangabayo at dalawampung libong kawal. Pumili siya ng mga kabayo para sa sandaang karwahe at kanyang nilumpo ang natira. Nang sumaklolo kay Hadadezer ang mga taga-Siria buhat sa Damasco, nilipol ni David ang 22,000 sa kanila. Pagkatapos, nagtayo siya ng mga himpilan ng hukbo sa Damasco na sakop ng Siria. Pinagbuwis niya ang mga mamamayan nito. Kahit saan, si David ay nagtatagumpay sa mga labanan sa tulong ni Yahweh. Ang mga pananggang yari sa ginto na nasamsam ni David sa mga alipin ni Hadadezer ay dinala niya sa Jerusalem. Napakaraming tanso ang nasamsam niya sa Tibha at Cun, mga lunsod ni Hadadezer. Ito ang ginamit ni Solomon sa pagpapagawa ng tansong ipunan ng tubig, mga haligi at mga sisidlang tanso para sa Templo. Nang mabalitaan ni Haring Tou ng Hamat na nalupig ni David ang buong hukbo ni Hadadezer na hari ng Zoba, sinugo niya ang kanyang anak na si Hadoram upang batiin si David. Si Hadadezer ay kaaway ni Tou. Nagpadala siya ng mga sisidlang ginto, pilak at tanso at ang mga ito'y inihandog ni Haring David kay Yahweh. Inihandog din niya ang iba pang nasamsam niyang ginto at pilak mula sa ibang mga bansa: mula sa Edom, Moab, Ammon, Filistia, at Amalek. Si Abisai na anak ni Zeruias ay nakapatay ng 18,000 Edomita sa Libis ng Asin. Nagtayo siya ng mga himpilan ng hukbo sa Edom sapagkat ang mga Edomita ay nasakop rin ni David. Pinagtagumpay ni Yahweh si David saanman siya makarating. Naghari si David sa buong Israel at ito'y pinamahalaan niya nang may katarungan at pagkakapantay-pantay. Si Joab na anak ni Zeruias ang siyang pinuno ng hukbo, at si Jehoshafat na anak ni Ahilud ang tagapagtala. Si Zadok na anak ni Ahitob at si Ahimelec na anak ni Abiatar ang mga pari. Si Seraia naman ang kalihim. Ang tagapangasiwa sa mga bantay sa hari ay si Benaias na anak ni Joiada. Ang mga anak naman ni David ay nasa matataas na katungkulan. Hindi nagtagal at namatay si Nahas na hari ng mga Ammonita. Ang anak niyang si Hanun ang humalili sa kanya. Sinabi ni David, “Napakabuti sa akin ni Nahas. Kailangang kaibiganin ko rin ang kanyang anak.” Kaya nagpadala siya ng mga sugo upang ipahatid ang kanyang pakikiramay kay Hanun sa pagkamatay ng ama nito. Pagdating ng mga sugo, sinabi kay Hanun ng mga prinsipe ng Ammon, “Naniniwala ka bang ipinadala ni David ang mga sugong ito upang parangalan ang iyong ama? Hindi kaya naparito ang mga iyan bilang mga espiya at upang malaman kung paano sasakupin ang ating bansa?” Dahil dito'y ipinahuli ni Hanun ang mga sugo ni David, pinaahitan ng balbas at ginupit ang kanilang kasuotan at pinauwing nakahubo. Ngunit nahihiya silang umuwi. Nang malaman ni David ang nangyari, iniutos niyang salubungin ang mga ito at ipinagbilin na sa Jerico muna pansamantalang manatili hanggang hindi tumutubo ang kanilang balbas. Alam ng mga Ammonita na ang ginawa nila'y ikagagalit ni David, kaya nagpadala si Hanun ng 35,000 kilong pilak sa Mesopotamia, Siria, Maaca at Soba upang umupa ng mga karwahe at mangangabayo sa mga lupaing iyon. Nakakuha sila ng 32,000 karwahe at nakasama pati ang hari ng Maaca at ang kanyang hukbo. Doon sila nagkampo sa tapat ng Medeba. Dumating din ang mga Ammonita mula sa kani-kanilang mga lunsod at humanda rin sa paglaban. Nang malaman ito ni David, pinalabas niya ang kanyang mga mandirigma sa pangunguna ni Joab. Lumabas ang mga Ammonita at humanay sa mga pasukan ng lunsod samantalang ang kanilang mga haring kakampi ay humanay naman sa kapatagang malapit doon. Nang makita ni Joab na dalawang pangkat ang kaaway nila at nanganganib sila sa unahan at likuran, nagdalawang pangkat din sila. Pumili siya ng matatapang na mga Israelita at pinaharap sa mga taga-Siria. Ang mga iba naman na pinangunahan ng kapatid niyang si Abisai ay pinaharap sa mga Ammonita. Sinabi niya rito, “Kung matatalo kami ng mga taga-Siria, tulungan mo kami. Kung kayo naman ang matatalo ng mga Ammonita, tutulungan namin kayo. Kaya lakasan ninyo ang inyong loob! Lalaban tayo nang buong tapang alang-alang sa ating mga kababayan at sa mga lunsod ng ating Diyos. Mangyari nawa ang kalooban ni Yahweh.” Nang magsagupa ang pangkat ni Joab at ang mga taga-Siria, napatakbo nila ang mga ito. Nang makita ng mga Ammonita ang nangyari, pati sila'y umurong papuntang lunsod. Hinabol naman sila ng pangkat ni Abisai. Pagkatapos, bumalik na si Joab sa Jerusalem. Nang makita ng mga taga-Siria na wala silang kalaban-laban sa Israel, humingi sila ng tulong sa mga kasamahan nila sa ibayo ng Ilog Eufrates. Tumulong naman ang pangkat na pinamumunuan ni Sofac, pinuno ng hukbo ni Hadadezer. Agad namang ibinalita ito kay David, at noon di'y inihanda niya ang buong hukbo ng Israel. Tumawid sila sa Jordan at humanda sa pakikipaglaban. Sinalakay sila ng mga taga-Siria, ngunit napaurong na naman ito ng hukbo ng Israel. Nakapatay sila ng 7,000 nakakarwahe, at 40,000 kawal na lakad kasama ang kanilang pinuno na si Sofac. Nang matalo ng Israel ang mga haring kakampi ni Hadadezer, sumuko ang mga ito, nakipagkasundo kay David at nagpasakop sa kanya. Mula noon, ayaw nang tumulong ng mga taga-Siria sa mga Ammonita. Nang sumapit ang tagsibol, panahon na karaniwang ang mga hari'y nakikipagdigma, lumabas ang hukbo ng Israel na pinamumunuan ni Joab at sinalakay ang lupain ng mga Ammonita. Umabot sila sa Rabba. Kinubkob nila ito, at pagkatapos ay sinunog nila. Subalit si David ay nagpaiwan sa Jerusalem. Kinuha ni David sa ulo ng diyus-diyosang si Molec ang koronang ginto nito na tumitimbang ng tatlumpu't limang kilo. Tinanggal niya mula rito ang nakapalamuting mamahaling bato at inilagay niya sa kanyang sariling korona. Marami siyang kinuha mula sa nasamsam sa lunsod. Binihag niya ang mga mamamayan. Binigyan niya ang mga ito ng mga lagari at iba't ibang matatalim at matutulis na kasangkapang bakal, at sila'y sapilitang pinagtrabaho. Ganoon din ang ginawa niya sa lahat ng mamamayan ng iba pang lunsod ng mga Ammonita. Pagkatapos, si David at ang buong bayan ay bumalik na sa Jerusalem. Pagkatapos nito ay nakipaglaban naman sila sa mga Filisteo sa Gezer. Sa labanang ito, napatay ni Sibecai na Husatita si Sipai, na nagmula sa lahi ng mga higante, at natalo ang mga Filisteo. Sa isa pang pakikidigma laban sa mga Filisteo, si Lahmi na kapatid ni Goliat na taga-Gat ay napatay ni Elhanan na anak ni Jair. Ang hawakan ng kanyang sibat ay sinlaki ng hawakan na ginagamit sa habihan ng tela. Sa isa pang labanan na naganap naman sa Gat, may isa pang higante roon na may dalawampu't apat na daliri, tig-aanim sa paa't kamay. Nang laitin nito ang Israel, pinatay ito ni Jonatan, ang pamangkin ni David sa kanyang kapatid na si Simea. Ang mga higanteng ito'y buhat sa lahi ng mga higanteng taga-Gat, at napatay silang lahat ni David at ng mga tauhan niya. Nais guluhin ni Satanas ang Israel kaya inudyukan nito si David na magsensus. Dahil dito, inutusan ng hari si Joab at ang mga pinuno ng hukbo na alamin ang bilang ng mga Israelita mula sa Beer-seba hanggang sa Dan, at iulat sa kanya. Ngunit sinabi ni Joab, “Halimbawang ang mga tao'y paramihin ni Yahweh nang makasandaang beses, hindi ba't sila'y mga lingkod mo pa rin, at ikaw ang kanilang marangal na hari? Bakit pa ninyo kailangang gawin ito, Kamahalan? Bakit pa ninyo bibigyan ng dahilan upang magkasala ang Israel?” Ngunit nanaig ang utos ng hari. Kaya't si Joab ay naglibot sa buong lupain at pagkatapos ay nagbalik sa Jerusalem. Iniulat niya kay David ang kabuuang bilang ng kalalakihang maaaring gawing kawal: sa Israel ay 1,100,000 at sa Juda naman ay 470,000. Ngunit hindi niya isinama sa sensus ang lipi nina Levi at Benjamin, sapagkat labag sa kanyang kalooban ang utos na ito ng hari. Nagalit ang Diyos sa ginawang ito, kaya pinarusahan niya ang Israel. Sinabi ni David sa Diyos, “Napakalaking kasalanan ang nagawa ko, Yahweh! Patawarin mo sana ako sa aking kahangalan.” Sinabi ni Yahweh kay Gad, ang propeta ni David, tatlong taóng taggutom, tatlong buwang pananalanta ng mga kaaway, o tatlong araw na pananalanta ng Diyos sa pamamagitan ng salot sa buong Israel na isasagawa ng anghel ni Yahweh. “Magpasya ka ngayon upang masabi ko ito kay Yahweh,” sabi ni Gad kay David. “Napakahirap ng kalagayan ko,” sagot ni David. “Gusto kong si Yahweh ang magparusa sa akin sapagkat mahabagin siya. Ayaw kong tao ang magparusa sa akin.” Nagpadala nga ng salot sa Israel si Yahweh, at pitumpung libo ang namatay sa kanila. Sinugo ng Diyos ang isang anghel ni Yahweh upang wasakin ang Jerusalem, ngunit nang wawasakin na ito, ikinalungkot ni Yahweh ang nangyayari. Kaya't sinabi niya, “Tama na! Huwag mo nang ituloy iyan.” Ang anghel noon ay nakatayo sa tabi ng giikan ni Ornan na isang Jebuseo. Tumingala si David at nakita niya ang anghel ni Yahweh sa pagitan ng langit at lupa. May hawak itong espada at nakaamba sa Jerusalem. Si David at ang matatandang pinuno ay nagsuot ng damit-panluksa, at nagpatirapa. Tumawag siya sa Diyos, “Ako po ang nag-utos na alamin ang bilang ng mga tao. Walang kasalanan ang mga taong-bayan. Kaya ako at ang aking angkan na lamang ang inyong parusahan. Huwag ninyong idamay sa salot ang mga tao.” Si Gad ay inutusan ng anghel ni Yahweh upang sabihin kay David na magpunta sa giikan ni Ornan na Jebuseo at magtayo roon ng altar para kay Yahweh. Sumunod naman si David sa ipinapasabi ni Yahweh kay Gad. Gumigiik noon si Ornan kasama ang apat niyang anak na lalaki. Nang makita nila ang anghel, nagtago ang mga anak niya. Nakita ni Ornan na dumarating si David, kaya't sinalubong niya ito. Nagpatirapa siya bilang pagbibigay-galang. Sinabi ni David, “Bibilhin ko ang lupang ito para pagtayuan ko ng altar ni Yahweh upang matigil na ang salot na namiminsala sa bayan.” “Sa inyo na lang po ito at huwag na ninyong bayaran,” sagot ni Ornan. “Kayo na po ang bahala kung anong gusto ninyong gawin. Narito pa po ang mga toro para sa handog na susunugin at ang mga kahoy na ginagamit sa paggiik para gawing panggatong. Narito rin po ang trigo para sa handog na pagkaing butil. Lahat pong ito'y sa inyo na.” Ngunit sinabi ni David kay Ornan, “Hindi! Ibibigay ko sa iyo ang eksaktong bayad. Hindi ako maghahandog kay Yahweh ng bagay na hindi akin at ng anumang walang halaga.” Kaya't binili ni David kay Ornan ang lugar na iyon sa halagang animnaraang pirasong ginto. Nagtayo siya roon ng altar para kay Yahweh at nagdala ng handog na susunugin at handog pangkapayapaan. Nanalangin siya kay Yahweh at sumagot naman si Yahweh sa pamamagitan ng apoy buhat sa langit upang sunugin ang mga handog sa ibabaw ng altar. Iniutos ni Yahweh sa anghel na isuksok na ang espada, at sumunod naman ito. Noon natiyak ni David na pinakinggan siya ni Yahweh. Kaya't nag-alay si David ng mga handog sa giikang pag-aari noon ni Ornan na Jebuseo. Noon, ang tabernakulo ni Yahweh na ginawa ni Moises sa ilang, at ang altar na sunugan ng mga handog ay nasa burol na lugar ng pagsamba sa Gibeon. Ngunit hindi makapunta doon si David upang sumangguni sa Diyos sapagkat natatakot siya sa espada ng anghel ni Yahweh. Sinabi ni David, “Dito itatayo ang Templo ng Panginoong Yahweh. Dito rin ilalagay ang altar ng mga susunuging handog para sa Israel.” Iniutos ni David na magtipon ang lahat ng mga dayuhan sa Israel, at inatasan niya ang ilan sa mga ito na maging tagatapyas ng mga batong gagamitin sa itatayong Templo ng Diyos. Naghanda siya ng maraming bakal para gawing pako at pang-ipit sa mga pintuan at nag-ipon din siya ng tanso na sa sobrang bigat ay hindi na matimbang. Napakaraming tabla at trosong sedar ang dinala ng mga taga-Sidon at taga-Tiro. Sinabi ni David, “Napakabata pa ng anak kong si Solomon at wala pa siyang karanasan. Dahil dito'y ihahanda ko ang lahat ng kailangan sa ipatatayo niyang Templo ni Yahweh. Kailangang ito'y walang kasingganda upang ito'y matanyag at hahangaan ng buong daigdig.” Naghanda nga si David ng napakaraming kagamitan bago pa siya namatay. Ipinatawag niya ang anak niyang si Solomon, at sinabi, “Ipagtatayo mo ng bahay si Yahweh, ang Diyos ng Israel.” Sinabi niya rito, “Anak, matagal ko nang binalak na magtayo ng templo upang parangalan ang aking Diyos na si Yahweh ngunit sinabi niya sa akin na marami na akong napatay at napakaraming hinarap na labanan. Dahil sa bahid ng dugo sa aking mga kamay, hindi niya ako pinayagang magtayo ng templo para sa kanya. Ngunit ipinangako niyang pagkakalooban niya ako ng isang anak na lalaki. Mamumuhay ito nang payapa at hindi gagambalain ng kanyang mga kaaway habang siya'y nabubuhay. Tatawagin siyang Solomon sapagkat bibigyan ko ang Israel ng kapayapaan at kapanatagan sa panahon ng kanyang paghahari.’ Sinabi pa niya sa akin, ‘Siya ang magtatayo ng templo para sa akin. Magiging anak ko siya at ako'y magiging ama niya. Patatatagin ko ang paghahari ng kanyang angkan sa Israel magpakailanman!’” Sinabi pa ni David, “Samahan ka nawa ng iyong Diyos na si Yahweh. Tuparin nawa niya ang kanyang pangako na pagtatagumpayin ka niya sa pagtatayo ng templo para sa kanya. Bigyan ka nawa ng Diyos mong si Yahweh ng karunungan at pang-unawa upang pagharian mo ang Israel ayon sa kanyang Kautusan. Magtatagumpay ka kung susundin mong mabuti ang mga utos at tuntuning ibinigay ni Yahweh kay Moises para sa Israel. Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Huwag kang matakot ni panghinaan man ng loob. Sinikap kong magtipon ng lahat ng kailangan sa pagpapatayo ng Templo ni Yahweh. Nakaipon ako ng may 3,500,000 kilong ginto, at humigit-kumulang sa 35,000,000 kilong pilak. Ang tinipon kong tanso't bakal ay hindi na kayang timbangin dahil sa sobrang bigat. Nakahanda na rin ang mga kahoy at batong kailangan. Dagdagan mo pa ang mga ito. Marami ka nang manggagawa: mga tagatapyas ng bato, mga kantero, mga karpintero, at lahat ng uri ng napakaraming manggagawa na eksperto sa ginto, pilak, tanso at bakal. Simulan mo na ngayon ang gawain at tulungan ka nawa ni Yahweh!” Inatasan ni David ang mga pinuno ng Israel na tulungan si Solomon. Sabi niya, “Kayo ay patuloy na pinapatnubayan ni Yahweh. Hindi niya kayo iniiwanan kaya nagtatamasa kayo ng kapayapaan saanmang lugar. Niloob niyang malupig ko ang mga dating naninirahan sa lupaing ito. Sila ngayon ay alipin ninyo at ni Yahweh. Kaya, paglingkuran ninyo si Yahweh nang buong puso't kaluluwa. Simulan na ninyo ang pagtatayo ng santuwaryo niya upang madala na roon ang Kaban ng Tipan ni Yahweh at ang lahat ng sagradong kagamitan para sa pagsamba sa kanya.” Nang matandang matanda na si David, ginawa niyang hari ng Israel ang anak niyang si Solomon. Tinipon ni David ang mga pinuno ng Israel, ang mga pari at ang mga Levita. Ang mga nabilang na Levita mula sa gulang na tatlumpung taon pataas ay 38,000. Ang mga inatasan sa pangangalaga at paglilingkod sa Templo ay 24,000. Ang ginawang mga opisyal at mga hukom ay 6,000, at 4,000 ang kinuhang mga bantay sa pintuan. Ang magpupuri kay Yahweh sa saliw ng mga instrumentong ginawa ni David ay 4,000 rin. Pinagtatlong pangkat ni David ang mga Levita ayon sa tatlong anak ni Levi na sina Gershon, Kohat at Merari. Ang mga anak ni Gershon ay sina Ladan at Simei. Tatlo ang anak ni Ladan: si Jehiel na pinuno, si Zetam at si Joel. Tatlo rin ang anak ni Simei: sina Zelomit, Haziel at Haran. Sila ang mga pinuno ng mga angkan na nagbuhat kay Ladan. Apat ang anak ni Simei na kapatid ni Ladan: sina Jahat, Zina, Jeus at Berias. Si Jahat ang pinuno at si Zisa naman ang kanang kamay. Kakaunti ang mga anak na lalaki nina Jeus at Berias kaya't pinagsama na sila at ibinilang na iisang angkan. Apat ang anak ni Kohat: sina Amram, Izar, Hebron at Uziel. Mga anak ni Amram sina Aaron at Moises. Si Aaron at ang kanyang mga anak ay ibinukod upang mangalaga sa mga ganap na sagradong bagay habang panahon. Sila ang magsusunog ng mga handog sa harapan ni Yahweh, maglilingkod at magbabasbas sa pangalan ni Yahweh magpakailanman. Ngunit ang mga anak ni Moises, ang lingkod ng Diyos, ay ibinilang na kasama ng mga Levita. Ang mga anak ni Moises ay sina Gershon at Eliezer. Sa mga anak ni Gershon, si Sebuel ang pinuno; kay Eliezer naman ay si Rehabias na kaisa-isa niyang anak na lalaki. Si Rehabias naman ay maraming anak. Sa mga anak ni Izar, na pangalawang anak ni Kohat, si Zelomit ang pinuno. Ang apat na anak ni Hebron ay sina Jerias na pinuno, Amarias, Jahaziel at Jecamiam. Sa mga anak naman ni Uziel, si Micas ang pinuno at si Isias ang pangalawa. Ang mga anak ni Merari ay sina Mahli at Musi. Mga anak ni Mahli sina Eleazar at Kis. Namatay si Eleazar na walang anak na lalaki, kundi panay babae. Sila ay napangasawa ng kanilang mga pinsan na mula sa angkan ni Kish. Tatlo naman ang mga anak ni Musi: sina Mahli, Eder at Jeremot. Ito ang bumubuo sa lipi ni Levi ayon sa angkan at sambahayan. Bawat isa, mula sa edad na dalawampu pataas ay katulong sa paglilingkod sa Templo ni Yahweh. Sinabi ni David, “Binigyan na ni Yahweh, na Diyos ng Israel, ng kapayapaan ang kanyang bayan, at maninirahan na siya sa Jerusalem magpakailanman. Dahil dito'y hindi na bubuhatin ng mga Levita ang tabernakulo at ang mga kagamitan sa paglilingkod dito.” Iyan ang dahilan kaya ipinapalista ang mga Levita mula sa gulang na dalawampu pataas. Sila'y tutulong na lamang sa mga paring mula sa angkan ni Aaron sa paglilingkod sa loob ng Templo ni Yahweh. Sila ang mangangalaga sa mga bulwagan, mga silid, mga sagradong kasangkapan, at iba pang mga gawain sa Templo ng Diyos. Sila rin ang tutulong sa paghahanda ng tinapay na panghandog, ng harinang panghalo sa mga panghandog, ng manipis na tinapay na walang pampaalsa, mga nilutong handog, at ng harinang hinaluan ng langis. Tutulong din sila sa pagtakal at pagsukat ng mga handog. Umaga't hapon, haharap sila kay Yahweh upang magpuri at magpasalamat, at kung may handog na susunugin, sa mga Araw ng Pamamahinga, Pista ng Bagong Buwan at mga takdang kapistahan ayon sa bilang at patakarang ipinag-uutos, sa harapan ni Yahweh, sa lahat ng panahon. Ang mga Levita nga ang mangangalaga sa Toldang Tipanan at sa dakong banal, at tutulungan nila ang mga paring kamag-anak nila sa lahat ng paglilingkod sa Templo ni Yahweh. Ito ang mga pangkat ng mga angkan ni Aaron: ang mga anak niya ay sina Nadab, Abihu, Eleazar, at Itamar. Sina Nadab at Abihu ay naunang namatay kaysa kay Aaron at wala silang anak kaya sina Eleazar at Itamar lamang ang naging mga pari. Sa tulong nina Zadok na anak ni Eleazar, at ni Ahimelec na anak ni Itamar, ang mga kabilang sa angkan ni Aaron ay hinati ni David sa mga pangkat at binigyan ng kani-kanilang tungkulin. Marami ang pinuno ng mga sambahayan sa angkan ni Eleazar kaysa kay Itamar. Kaya sa dalawampu't apat na pangkat, labing-anim ang napili mula sa angkan ni Eleazar at walo naman ang kay Itamar. Pinili sila ni David sa pamamagitan ng palabunutan sapagkat maging sa angkan ni Eleazar at ni Itamar ay may mga tagapangasiwa sa loob ng dakong banal at may mga tagapanguna sa pagsamba. Si Semaias na anak ng Levitang si Netanel ang naglista ng mga pangalan, at ginawa niya ito sa harapan ng hari. Nasaksihan din ito ng mga prinsipe, ni Zadok na pari, ni Ahimelec na anak ni Abiatar, at ng mga pinuno ng angkan ng mga pari at Levita. Isang sambahayan ng mga pari ang inilista sa panig ni Eleazar at isa rin kay Itamar. Ito ang kaayusan at takdang panahon ng paglilingkod nila sa Templo ni Yahweh ayon sa itinatag ng kanilang ninunong si Aaron, gaya ng utos sa kanya ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Ito ang iba pang mga pinuno ng mga angkan sa lipi ni Levi: si Subael sa angkan ni Amram at si Jehedias sa angkan ni Subael; si Isias na isang pinuno sa angkan ni Rehabias; si Zelomot sa angkan ng Isharita, at si Jahat sa angkan ni Zelomot; sina Jerias, Amarias, Jahaziel, at Jecamiam sa angkan ni Hebron; si Micas sa angkan ni Uziel; si Samir sa angkan ni Micas; si Isias na kapatid ni Micas at si Zacarias sa angkan ni Isias; sina Mahli at Musi sa angkan ni Merari; si Beno sa angkan ni Jaazias; sina Beno, Soham, Zacur at Ibri, mga anak ni Jaazias sa angkan ni Merari. Sina Mahli, Eder at Jerimot ay mga anak ni Musi. Sila ang mga angkan ng mga Levita. Ang mga ito, tulad ng mga kamag-anak nila mula sa angkan ni Aaron ay nagpalabunutan din maging sila'y pinuno ng sambahayan o hindi. Sinaksihan ito ni Haring David, nina Zadok at Ahimelec, at ng mga pinuno ng sambahayan ng mga pari at mga Levita. Pinili ni David at ng mga pinuno ng mga Levita ang mga anak nina Asaf, Heman at Jeduthun upang manguna sa pagsamba. Tungkulin nilang magpahayag ng salita ng Diyos sa saliw ng lira, alpa, at pompiyang. Ito ang listahan ng kanilang mga pangalan at ang kani-kanilang tungkulin: sina Zacur, Jose, Netanias at Asarela. Sila ay pinangunahan ni Asaf na kanilang ama sa pagpapahayag ng salita ng Diyos sa ilalim ng pamamahala ng hari. Sina Gedalias, Zeri, Jesaias, Hashabias, Matitias at Simei ay pinangunahan ng ama nilang si Jeduthun sa pagpapahayag ng salita ng Diyos nang may pagpupuri at pasasalamat kay Yahweh sa saliw ng lira. Sina Bukias, Matanias, Uziel, Sebuel, Jerimot, Hananias, Hanani, Eliata, Gedalti, Romamti-ezer, Josbecasa, Maloti, Hotir at Mahaziot ay mga anak ni Heman na propeta ng hari—labing-apat na lalaki at tatlong babae. Ang mga ito ang itinalaga ng Diyos kay Heman upang tumugtog ng tambuli. Ang kanilang ama ang namahala sa kanilang pag-awit sa Templo ni Yahweh, gayundin sa pagtugtog ng pompiyang, alpa, at lira. Sina Asaf, Jeduthun at Heman na namamahala sa kani-kanilang mga anak ay nasa ilalim ng pamamahala ng hari. Ang bilang ng mga ito kasama na ang iba pa nilang mga kamag-anak na pawang nagsanay sa pag-awit kay Yahweh ay 288. Sama-sama silang nagpalabunutan para malaman ang kanilang tungkulin, bata at matanda, guro at mag-aaral. Ito naman ang mga pangkat ng mga bantay sa pinto ng Templo: sa angkan ni Korah ay si Meselemias na anak ni Korah, buhat sa pamilya ni Asaf. Ang pito niyang anak ay si Zacarias na siyang panganay, kasunod sina Jediael, Zebadias, Jatniel, Elam, Jehohanan at Eliehoenai. Pinagpala ng Diyos si Obed-edom. Binigyan siya ng walong anak na lalaki; si Semaias na panganay, kasunod sina Jehozabad, Joa, Sacar, Natanel, Amiel, Isacar, at Peulletai. Si Semaias ay may mga anak na naging pinuno ng kanilang sambahayan, sapagkat sila'y mahuhusay at bihasa. Ang pangkat ng mga ito'y binubuo nina Otni, Refael, Obed, Elzabad, at ang dalawa pa niyang anak na matatapang din, sina Elihu at Semaquias. Ang mga anak at apo ni Obed-edom na pawang may kakayahang maglingkod ay animnapu't dalawa. Labing-walo naman ang mga kamag-anak na pinamumunuan ni Meselemias at pawang matatapang din. Kabilang din ang pangkat ni Hosa, mula sa angkan ni Merari na binubuo ng kanyang mga anak. Si Simri, bagama't hindi panganay ay ginawang pinuno ng sambahayan ng kanyang ama. Kasama rin ang iba pang mga anak niyang sina Hilkias, Tebalias at Zacarias. Labing-tatlo ang mga anak at kamag-anak ni Hosa. Ang mga pangkat na ito ng mga bantay-pinto sa pangunguna ng pinuno ng kanilang sambahayan ay may kanya-kanyang pananagutan sa paglilingkod sa Templo ni Yahweh gaya ng kanilang mga kamag-anak. Nagpalabunutan sila ayon sa kani-kanilang sambahayan, para malaman kung aling pinto ang kanilang babantayan. Ang pinto sa silangan ay napunta kay Selemias, at ang gawing hilaga ay sa anak niyang si Zacarias, isang mahusay na tagapayo. Kay Obed-edom napunta ang gawing timog, at sa kanyang mga anak naman ang mga bodega. Ang pinto sa kanluran at ang pinto ng Sallequet sa daang paakyat ay napunta kina Supim at Hosa. May kanya-kanyang takdang oras ang kanilang pagbabantay. Sa gawing silangan, anim ang bantay araw-araw. Sa hilaga at timog ay tig-aapat, at tig-dadalawa naman sa bodega. Sa malaking gusali sa gawing kanluran, apat sa labas at dalawa sa loob. Ito ang mga pangkat ng mga bantay sa pinto mula sa mga angkan ni Korah at ni Merari. Ang mga Levita sa pangunguna ni Ahias ang namahala sa kabang-yaman ng Templo at sa bodega ng mga kaloob sa Diyos. Si Ladan na isa sa mga anak ni Gershon ay ninuno ng maraming angkan, kasama na ang pamilya ng kanyang anak na si Jehiel. Ang mga pinuno ng pangkat ni Jehiel ay ang kanyang mga anak na sina Zetam at Joel. Sila ang namahala sa mga kabang-yaman ng Templo. Ang mga Amramita, Isharita, Hebronita, at Uzielita ay binigyan din ng tungkulin. Si Sebuel na anak ni Gershon at apo ni Moises ang siyang pinunong namahala sa mga kabang-yaman. Sa angkan ni Eliezer, ang namahala ay ang mga anak niyang sina Rehabias, Jesaias, Joram, Zicri at Selomit. Si Selomit at ang kanyang mga kamag-anak ang namahala sa bodega ng mga kaloob na inialay ni Haring David, ng mga pinuno ng sambahayan, at ng mga pinuno ng hukbo. Buhat sa mga nasamsam sa pakikidigma, naglalaan sila ng bahaging panustos sa pangangalaga sa Templo ni Yahweh. At lahat ng kaloob na inialay ni propeta Samuel, ni Saul na anak ni Kish, ni Abner na anak ni Ner at ni Joab na anak ni Zeruias, ay inilagay sa pangangalaga ni Selomit at ng kanyang mga kamag-anak. Mula naman sa angkan ni Ishar, si Kenanias at ang kanyang mga anak ang inilagay na mga tagapagtala at mga hukom. Sa sambahayan ni Hebron, si Hashabias at ang kanyang mga kamag-anak na may bilang na 1,700 na pawang mahuhusay ang nangalaga sa bansang Israel, sa gawing kanluran ng Jordan. Sila ang namahala sa gawain ukol kay Yahweh, at ang naglingkod sa hari ay 1,700. Ayon sa talaan ng angkan ni Hebron, si Jerijas ang kanilang pinuno. Noong ikaapatnapung taon ng paghahari ni David, sinaliksik ang kasaysayan ng angkan ni Hebron at natuklasan na sa Jazer ng Gilead ay may mga lalaking may pambihirang kakayahan. Pumili si Haring David ng 2,700 mga pinuno ng sambahayan at pawang mahuhusay mula sa kamag-anak ni Jerijas upang mamahala sa lipi nina Ruben, Gad, at sa kalahating lipi ni Manases. Sila ang pinamahala ni David sa lahat ng bagay na may kinalaman sa Diyos at sa hari. Ito ang listahan ng mga Israelitang pinuno ng kani-kanilang angkan at mga pinuno ng libu-libo at daan-daan, gayundin ang mga pinuno ng hukbong naglingkod sa hari. Sila ay pinagpangkat-pangkat ng tig-24,000 at maglilingkod bawat buwan sa pangunguna ng kani-kanilang pinuno. Si Jasobeam, anak ni Zabdiel, ang namahala sa pangkat na naglingkod sa unang buwan. Siya'y namuno sa 24,000 katao. Mula siya sa angkan ni Peres, at siya ang pangkalahatang pinuno. Si Dodai na taga-Aho ang namahala sa ikalawang buwan. Ang namahala naman sa ikatlong buwan ay si Benaias, anak ng paring si Joiada. Siya ang Benaias na pinuno ng Tatlumpung Matatapang na Mandirigma. Ang namahala sa kanyang pangkat ay ang anak niyang si Amizabad. Ang pangkat naman na nanungkulan sa ikaapat na buwan ay pinamahalaan ni Asahel, kapatid ni Joab. Ang humalili sa kanya ay ang anak niyang si Zebadias. Ang pangkat namang nanungkulan sa ikalimang buwan ay pinamahalaan ni Samhut na taga-Ishar. Ang namahala naman sa pangkat na nanungkulan sa ikaanim na buwan ay si Ira, anak ni Ikes na taga-Tekoa. Ang pangkat para sa ikapitong buwan ay pinamahalaan ni Helez, anak ni Efraim at taga-Pelon. Ang pangkat sa ikawalong buwan ay pinamahalaan naman ni Sibecai na taga-Husa, mula sa angkan ni Zera. Ang pangkat na nanungkulan sa ikasiyam na buwan ay pinamahalaan ni Abiezer na isang taga-Anatot, buhat sa lipi ni Benjamin. Ang pangkat namang nanungkulan sa ikasampung buwan ay pinamahalaan ni Maharai na taga-Netofa, mula sa angkan ni Zera. Ang pangkat na nanungkulan sa ikalabing isang buwan ay pinamahalaan naman ni Benaias na isang taga-Peraton, mula sa lipi ni Efraim. Ang pangkat na nanungkulan sa ikalabindalawang buwan ay pinamahalaan naman ni Heldai, taga-Netofa, buhat sa angkan ni Otniel. Ito ang mga namahala sa Israel: sa lipi ni Ruben ay si Eliezer na anak ni Zicri; sa lipi ni Simeon ay si Sefatias na anak ni Maaca; sa lipi ni Levi ay si Hashabias na anak ni Kemuel; sa angkan ni Aaron ay si Zadok; sa lipi naman ni Juda ay si Elihu, isa sa mga kapatid ni David; sa lipi ni Isacar ay si Omri na anak ni Micael; sa lipi ni Zebulun ay si Ismaias na anak ni Obadias; sa lipi ni Neftali ay si Jerimot na anak ni Azriel; sa lipi ni Efraim ay si Hosea na anak ni Azarias; sa kalahating lipi ni Manases ay si Joel na anak ni Pedaias. Ang namahala naman sa kalahating lipi ni Manases na nasa Gilead ay si Iddo na anak ni Zacarias; sa lipi ni Benjamin ay si Jaasiel na anak ni Abner; at sa lipi naman ni Dan ay si Azarel na anak ni Jeroham. Hindi na ibinilang ni David sa sensus ang mga Israelitang wala pang dalawampung taóng gulang sapagkat ipinangako ng Diyos na pararamihin niyang sindami ng mga bituin sa langit ang mga Israelita. Ang sensus ay sinimulan ni Joab, anak ni Zeruias ngunit hindi niya ito natapos sapagkat nagalit ang Diyos sa Israel sa ginawang ito. Kaya't hindi na napabilang ang mga ito sa listahan ni Haring David. Ang namahala sa mga kabang-yaman ng hari ay si Azmavet na anak ni Abdiel, ngunit sa mga kayamanang nasa mga lalawigan, lunsod, nayon, at ang nasa mga tore, ang namahala ay si Jonatan na anak ni Uzias. Si Ezri na anak ni Kelub ang ginawang tagapamahala ng mga magsasaka. Si Simei na isang taga-Rama ang namahala sa mga ubasan, at si Zabdi na isang taga-Sephan ang namahala naman sa imbakan ng alak. Si Baalhahan na isang taga-Geder ang namahala sa mga tanim na olibo at sikamoro sa Sefela, at sa bodega naman ng langis ay si Joas. Si Sitrai na taga-Saron ang namahala sa mga kawan sa pastulan ng Saron at si Safat, anak ni Adlai ang namahala naman sa mga kawan na nasa kapatagan. Sa mga kamelyo naman, ang namahala ay si Obil na isang Ismaelita; sa mga inahing asno ay si Jedeias na taga-Meronot, at sa mga kawan ay si Jaziz na Hagrita. Ang lahat ng ito'y mga katiwala ng mga ari-arian ni David. Si Jonatan, ang tiyo ni David, ang kinuhang tagapayo ng mga anak ng hari sapagkat siya'y matalino at dalubhasa. Magkatulong sila ni Jehiel, anak ni Hacmoni, sa pagtuturo sa mga anak ng hari. Ang tagapayo naman ng hari ay si Ahitofel; at si Husai naman, na isang Arkita, ang matalik na kaibigan ng hari. Nang mamatay si Ahitofel ay pumalit sa kanya si Joiada na anak ni Benaias at si Abiatar. Si Joab naman ang pinakamataas na pinuno ng hukbo ng hari. Tinipon ni David sa Jerusalem ang lahat ng mga pinuno ng Israel, lahat ng pinuno ng mga lipi, lahat ng namamahala ng mga pangkat na naglilingkod sa hari, ang mga pinuno ng mga libu-libo at mga pinuno ng mga daan-daan. Tinawag din niya ang mga katiwala ng mga ari-arian, at ng mga kawan ng hari, at ng mga anak niya, lahat ng mga may tungkulin sa palasyo, lahat ng matatapang na lalaki, at lahat ng mahuhusay na mandirigma. Nang naroon na ang lahat, tumayo siya at nagsalita, “Mga kapatid at mga kababayan, matagal ko nang minimithi na magtayo ng isang permanenteng tahanan para sa Kaban ng Tipan na siyang tuntungan ng Diyos nating si Yahweh. Inihanda ko na ang lahat ng kailangan upang maitayo ito. Ngunit sinabi sa akin ng Diyos na hindi ako ang magtatayo ng Templo para sa kanya sapagkat ako'y isang mandirigma at may bahid ng maraming dugo ang aking kamay. Subalit sa sambahayan ng aking ama, ako ang pinili ni Yahweh, ang Diyos ng Israel upang maghari sa bansang ito magpakailanman. Ang pinili niyang mangunguna ay si Juda, at nagmula sa lipi nito ang pamilya ng aking ama. Sa amin namang pamilya, ako ang kanyang itinalaga para maging hari ng buong Israel. Binigyan ako ni Yahweh ng maraming anak at mula sa kanila, si Solomon ang pinili niya upang umupo sa trono ng Israel, ang kaharian ni Yahweh. Ang sabi niya sa akin, ‘Ang iyong anak na si Solomon ang magtatayo ng aking Templo, sapagkat siya ang pinili kong maging anak, at ako naman ang magiging ama niya. Patatatagin ko ang kanyang kaharian magpakailanman kung patuloy niyang susundin ang aking mga utos at tuntunin gaya ng ginagawa niya ngayon.’ Kaya nga, sa harapan ng buong Israel na bayan ni Yahweh, at ng Diyos na ngayo'y nakikinig, inaatasan ko kayo na sundin ninyong mabuti ang kautusan ng Diyos ninyong si Yahweh upang manatiling sa inyo ang masaganang lupaing ito at maipapamana naman ninyo sa inyong mga salinlahi magpakailanman. “At ikaw naman, Solomon, anak ko, kilalanin mo ang Diyos ng iyong ama at paglingkuran mo siya nang buong puso at pag-iisip, sapagkat sinisiyasat ni Yahweh ang ating damdamin at nauunawaan ang ating binabalak at iniisip. Kung lalapit ka sa kanya, tatanggapin ka niya. Ngunit kung tatalikuran mo siya, itatakwil ka niya magpakailanman. Alalahanin mong ikaw ang pinili ni Yahweh upang magtayo ng kanyang banal na Templo. Magpakatatag ka at gawin mo ito nang may paninindigan.” Ibinigay ni David kay Solomon ang mga plano ng mga gusali ng Templo, ng mga kabang-yaman, ng mga silid sa itaas, ng mga silid sa loob at ng silid para sa banal na trono ng awa. Ibinigay din niya ang plano para sa mga bulwagan at mga silid sa palibot nito at ang kabang-yaman ng Templo ng Diyos at ang bodega para sa mga kaloob na ukol kay Yahweh. Ibinigay din niya ang plano para sa organisasyon ng mga pari at Levita at ang paghahati-hati sa mga gawaing may kinalaman sa paglilingkod sa Templo, at sa mga kagamitan dito. Itinakda niya ang timbang ng ginto o pilak na gagawing mga sisidlan, mga ilawan at patungan ng mga ito. Gayundin ang timbang ng ginto na ibabalot sa bawat mesa na pagpapatungan ng tinapay na handog, at ang pilak na gagamitin sa bawat mesang pilak. Itinakda rin niya ang timbang ng purong ginto na gagawing mga tinidor, mga palanggana, mga kopa, at mga gintong mangkok, gayundin ang pilak at gintong gagamitin sa mga mangkok. Itinakda rin niya ang timbang ng purong ginto para sa altar na sunugan ng insenso, pati ang plano at gintong gagamitin sa karwahe ng mga kerubin na ang mga pakpak ay tumatakip sa Kaban ng Tipan ni Yahweh. Sinabi ni David, “Ang lahat ng ito ay nasa plano na ginawa ayon sa utos ni Yahweh at siyang kailangang isagawa.” Pagkatapos, sinabi ni David sa kanyang anak na si Solomon, “Magpakatatag ka, lakasan mo ang iyong loob at gawin mo ito. Huwag kang matatakot ni panghinaan ng loob sapagkat ang Panginoong Yahweh, na aking Diyos ay kasama mo. Hindi ka niya bibiguin. Hindi ka niya pababayaan hangga't hindi mo natatapos ang lahat ng bagay na kailangan sa paglilingkod sa kanyang Templo. Narito ang mga pangkat ng mga pari at mga Levita na handa para sa lahat ng gawain sa Templo ng Diyos. Narito rin ang mga ekspertong manggagawa, ang buong bayan at ang kanilang mga pinuno na handang tumulong at sumunod sa iyo sa anumang oras.” Ipinahayag ni Haring David sa buong kapulungan, “Ang anak kong si Solomon na pinili ng Diyos upang humalili sa akin ay bata pa at walang sapat na karanasan. Napakalaki ng gawaing kakaharapin niya, sapagkat ang gagawin niya ay hindi isang palasyo para sa tao kundi Templo para sa Panginoong Yahweh. Dahil dito, sinikap kong magtipon ng mga gagamitin para sa Templo ng aking Diyos tulad ng ginto, pilak, tanso, bakal at kahoy. Napakarami ng inihanda kong batong onise at iba pang mahahalagang batong pampalamuti, at lahat ng uri ng mahahalagang bato at marmol. Hindi lang iyan, pati na ang sarili kong pilak at ginto ay inilaan ko na rin sa gawaing ito, sapagkat kasiyahan kong magkaroon ng Templo ang aking Diyos. May nakalaan akong 105,000 kilong ginto na mula pa sa Ofir, at 245,000 kilong purong pilak na ididikit sa mga dingding ng Templo, at sa iba pang bagay na gagawin ng mga mahuhusay na platero. Sino sa inyo ngayon ang kusang-loob na magbibigay para kay Yahweh?” Sumang-ayon agad ang mga pinuno ng mga sambahayan, ang mga pinuno ng mga lipi, ang mga pinuno ng mga hukbo at ang mga katiwala ng hari. Kusang-loob silang nagbigay, at ang natipon para sa gagawing templo ay 175,000 kilong ginto, 350,000 kilong pilak, 630,000 kilong tanso, at 3,500,000 kilong bakal. Ipinagkaloob nila ang kanilang mahahalagang bato sa kabang-yaman ng Templo ni Yahweh na nasa pamamahala ni Jehiel na mula sa angkan ni Gershon. Masayang-masaya ang mga tao sa kanilang mga kusang-loob na panghandog kay Yahweh, at labis din itong ikinatuwa ni Haring David. Sa harapan ng mga tao'y tuwang-tuwa si David na nagpuri kay Yahweh. Sinabi niya, “Purihin kayo magpakailanman, Yahweh, ang Diyos ni Israel na aming ama. Sa inyo ang kadakilaan, ang kapangyarihan, ang karangalan at ang pagtatagumpay sapagkat inyo ang lahat ng nasa langit at nasa lupa. Sa inyo ang kaharian at kayo ang dakila sa lahat. Sa inyo nagmumula ang kayamanan at ang karangalan at kayo ang naghahari sa lahat. Taglay ninyo ang kapangyarihan at kadakilaan, at kayo ang nagbibigay ng lakas at kapangyarihan sa lahat. Pinasasalamatan namin kayo, O Diyos, at pinupuri ang inyong maluwalhating pangalan. “Ngunit sino ako at ang bayang ito? Buong puso kaming nagkakaloob sapagkat ang lahat ng ito ay galing sa inyo at ibinabalik lamang namin. Tulad ng aming mga ninuno, kami nga'y mga dayuhan at naglalakbay lamang. Ang buhay namin sa daigdig na ito ay parang anino at pansamantala lamang. O Yahweh na aming Diyos, ang lahat ng kayamanang ito na aming ibinigay para ipagpagawa ng inyong tahanan ay sa inyo rin nagmula. Alam kong sinasaliksik ninyo ang puso ng bawat tao, at natutuwa kayo sa mga matuwid. O Diyos, buong puso kong ipinagkakaloob sa inyo ang lahat ng ito. Nasaksihan ko rin ang buong puso at may kagalakang pagkakaloob ng inyong bayan na narito ngayon. Yahweh, Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob na aming mga ninuno, panatilihin ninyo sa isipan ng inyong bayan ang mga layuning ito, at akayin ninyo silang palapit sa inyo. Tulungan ninyo ang anak kong si Solomon na maging tapat sa pagsunod sa inyong mga utos at tuntunin upang maitayo niya ang Templong aking pinaghandaan.” At sinabi ni David sa sambayanan, “Purihin ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh!” Pinuri nga ng buong kapulungan si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Yumuko ang lahat, sumamba kay Yahweh, at nagbigay-galang sa hari. Kinabukasan, ang dinala nilang handog na susunugin ay 1,000 toro, 1,000 tupang lalaki, 1,000 kordero at mga alak na handog, at napakaraming handog para sa buong Israel. Masasaya silang nagsalu-salo sa harapan ni Yahweh noong araw na iyon. Minsan pa nilang ipinahayag na si Solomon na anak ni David ay hari, at binuhusan ito ng langis sa pangalan ni Yahweh. Si Zadok naman ay hinirang bilang pari. Mula noon, umupo si Solomon sa tronong itinatag ni Yahweh bilang kahalili ng kanyang amang si David. Naging matagumpay siya at sumunod sa kanya ang buong Israel. Nanumpa ng katapatan kay Haring Solomon ang mga pinuno at mandirigma, pati na ang iba pang anak ni Haring David. Binigyan ni Yahweh si Solomon ng dakilang karangalan at katanyagang higit sa mga naging hari sa Israel. Si David na anak ni Jesse ay naghari sa buong Israel. Apatnapung taon siyang naghari: pitong taon sa Hebron, at tatlumpu't tatlong taon naman sa Jerusalem. Nabuhay siya nang matagal, at namatay na mayaman at marangal. Si Solomon ang humalili sa kanya bilang hari. Ang lahat ng pangyayari sa buong panahon ng paghahari ni David ay nakasulat sa mga aklat ng mga propetang sina Samuel, Natan at Gad. Sa mga aklat na iyon nakasulat kung paano siya namahala, gaano kalawak ang kanyang kapangyarihan at ang mga nangyari sa kanya sa Israel, at sa lahat ng mga kaharian sa paligid. Naging matatag ang paghahari ni Solomon na anak ni David sapagkat pinagpapala siya ng Diyos niyang si Yahweh at pinalakas ang kanyang kapangyarihan. Ipinatawag niya ang mga pinunong namamahala sa libu-libo at sa daan-daan, ang lahat ng may kapangyarihan at ang buong bayan. Isinama niya ang mga ito sa burol ng Gibeon, sa Toldang Tipanan, na ginawa ni Moises noong sila'y nasa ilang. Ngunit wala roon ang Kaban ng Tipan sapagkat ito'y kinuha ni David sa Lunsod ng Jearim at dinala sa Jerusalem, sa toldang itinayo niya roon. Ang nasa Gibeon, sa harap ng tabernakulo ni Yahweh, ay ang altar na tanso na ginawa ni Bezalel, anak ni Uri at apo ni Hur. Pagdating sa Gibeon, nag-alay si Solomon ng sanlibong handog na susunugin sa altar na tanso na nasa loob ng Toldang Tipanan. Kinagabihan, nagpakita ang Diyos kay Solomon at sinabi sa kanya: “Sabihin mo kung ano ang gusto mo, at ibibigay ko sa iyo.” Sumagot si Solomon: “Napakabuti ninyo sa aking amang si David. At ngayo'y ginawa ninyo akong hari kahalili niya. Panginoong Yahweh, natupad sa akin ang pangako ninyo sa kanya. Ginawa ninyo akong hari ng isang lahing sindami ng alabok sa lupa. Kaya ngayon, ang hiling ko'y bigyan ninyo ako ng karunungan at kaalaman upang mapamahalaan ko ang bayang ito. Kung hindi, paano ko pamamahalaan ang malaking bayang ito?” “Mabuti ang hiniling mo,” sagot ng Diyos kay Solomon. “Hindi ka naghangad ng kayamanan o karangalan. Hindi mo hinihiling ang kamatayan ng iyong mga kaaway o pahabain ang iyong buhay. Sa halip, ang hiningi mo'y karunungan at kaalaman sa pamamalakad sa bayang ito na niloob kong pagharian mo. Ipinagkakaloob ko sa iyo ang hinihingi mo. At hindi lamang iyan! Bibigyan pa kita ng kayamanan at karangalan na kailanma'y hindi nakamtan ng mga haring nauna sa iyo, at hindi kakamtan ng mga susunod pa.” Pagkatapos sumamba sa Gibea, bumalik si Solomon sa Jerusalem. At siya'y naghari sa Israel. Nagtatag si Solomon ng isang hukbong binubuo ng 1,400 karwahe at 12,000 mangangabayo. Ang mga ito'y inilagay niya sa mga bayang himpilan ng mga karwahe at sa Jerusalem upang bantayan ang hari. Sa panahon ng paghahari ni Haring Solomon, ang ginto at pilak sa Jerusalem ay naging pangkaraniwan lamang na parang bato, at ang kahoy na sedar ay naging sindami ng sikamoro sa paanan ng mga burol. Ang mga kabayo niya'y galing pa sa Egipto at sa Cilicia, na binibili ng kanyang mga tagapamili. Bumibili rin siya ng mga karwahe sa Egipto sa halagang 600 pirasong pilak ang isa, at sa 150 pirasong pilak naman ang isang kabayo. Ang mga ito'y ipinagbibili naman niya sa mga hari ng mga Heteo at mga Arameo. Nagpasya si Solomon na magtayo ng templo na kung saan ay sasambahin si Yahweh, at ng palasyo para sa kanyang sarili. Naglagay si Solomon ng 80,000 katao na tagatibag ng bato sa kabundukan, 70,000 tagahakot, at 3,600 tagapamahala. Pagkatapos ay sumulat siya kay Haring Hiram ng Tiro na ganito ang sinasabi: “Kung paano ninyo pinakitunguhan ang aking amang si David at pinadalhan ninyo ng mga kahoy na sedar na ginamit niya sa pagtatayo ng kanyang palasyo, gayundin po sana ang gawin ninyo sa akin. Ngayon po'y magtatayo ako ng isang templo na kung saan ay sasambahin ang aking Diyos na si Yahweh. Magiging banal na lugar iyon para sa kanya bilang dakong sunugan ng insenso at pag-aalayan ng tinapay at handog na susunugin sa umaga, sa hapon, sa Araw ng Pamamahinga, sa Pista ng Bagong Buwan at sa mga takdang kapistahan ni Yahweh na aming Diyos, sapagkat ito'y utos sa Israel magpakailanman. Malaki ang templong ipatatayo ko sapagkat mas dakila ang aming Diyos kaysa alinmang diyos. Ngunit sino nga ba ang makakapagtayo ng isang templong maaaring tirahan niya gayong maging sa kataas-taasang langit ay hindi siya magkasya. At sino naman ako upang ipagtayo siya ng templo? Ang ipatatayo ko'y isa lamang templong mapagsusunugan ng mga handog sa harap niya. Kaya kung maaari, padalhan ninyo ako ng isang taong mahusay na panday ng ginto, pilak, tanso at bakal, sanay humabi ng mga telang kulay ube, pula at asul, at mahusay din naman sa pag-ukit. Siya ang mamamahala sa aking mga manggagawa rito sa Juda at sa Jerusalem, sa mga tauhang inihanda ng aking amang si David. Padalhan din ninyo ako ng mga kahoy na sedar, sipres at algum na galing sa Lebanon. Alam kong bihasa ang mga tauhan ninyo sa pagputol ng kahoy sa Lebanon. Magpapadala ako ng aking mga tauhan upang tumulong. Maraming kahoy ang kailangan kong ihanda sapagkat malaki at kahanga-hanga ang templong aking ipatatayo. Ako ang bahala sa pagkain ng inyong mga tauhang magpuputol ng kahoy. Bibigyan ko sila ng 20,000 malalaking sisidlan na puno ng trigo, 20,000 malalaking sisidlan na puno ng sebada, 2,000 malalaking sisidlan na puno ng alak at 2,000 malalaking sisidlan na puno ng langis.” Ganito naman ang sagot ni Haring Hiram: “Dahil sa pag-ibig ni Yahweh sa kanyang bayan, kayo ang ginawa niyang hari. Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel na lumikha ng langit at lupa. Binigyan niya si Haring David ng isang anak na matalino, may karunungan at kaalaman na siyang magtatayo ng Templo ni Yahweh at ng kanyang palasyo. At ngayon, papupuntahin ko sa inyo si Huram, isang taong matalino at mahusay sa lahat ng trabaho. Ang ina niya'y mula sa lipi ni Dan; taga-Tiro naman ang kanyang ama. Isa siyang mahusay na panday ng ginto, pilak, tanso, bakal, bato at kahoy. Sanay siyang gumawa ng mga kagamitang bato o kahoy man. Bihasa siyang humabi ng mga telang kulay ube, pula at asul at ng linong mamahalin. Magaling din siyang umukit ng anumang uri ng disenyong ipapagawa sa kanya. Kaya niyang gawin ang anumang iutos ninyo sa kanya, kasama ng mga manggagawa ninyo at ng inyong mahal na amang si David. Kaya ipadala na ninyo rito ang trigo, sebada, langis at alak na inyong ipinangako, at magpapaputol na kami ng lahat ng kahoy na kailangan ninyo. Mula sa Lebanon ay palulutangin namin sa dagat ang mga kahoy hanggang Joppa. Buhat naman doon ay kayo na ang magpahakot patungo diyan sa Jerusalem.” Ipinakuha ni Solomon ang bilang ng lahat ng dayuhan sa Israel, tulad ng ginawa ni David. At ang nabilang nila ay 153,600 dayuhan. Inatasan niya ang 70,000 sa paghahakot, at ang 80,000 sa pagtitibag ng bato sa bundok. Ang 3,600 naman ay ginawa niyang tagapamahala ng mga manggagawa. Ang Templo ni Yahweh sa Jerusalem ay sinimulang itayo ni Solomon sa Bundok ng Moria, sa giikan ng Jebuseong si Ornan. Inihanda ni David ang pook na iyon matapos magpakita sa kanya si Yahweh. Sinimulan niya ang pagtatayo noong ikalawang buwan ng ikaapat na taon ng kanyang paghahari. Ito ang sukat ng Templo sa Jerusalem: dalawampu't pitong metro ang haba at siyam na metro ang luwang ayon sa matandang sukatan. Ang haba ng portiko sa dakong harap ng Templo ay siyam na metro—kapantay ng luwang ng Templo at limampu't apat na metro naman ang taas. Binalutan niya ng lantay na ginto ang loob nito. Ang bulwagan ay pinatakpan ni Solomon ng mga tablang sipres. Pagkatapos, pinabalutan niya ito ng purong ginto at pinalagyan ng disenyo ng mga punong palma at kadena. Pinalamutian pa niya ito ng magagandang batong hiyas at gintong galing sa Parvaim. Binalutan niya ng ginto ang mga biga at hamba ng mga pinto at ang mga dingding ng Templo. Pinaukitan pa niya ang mga dingding ng mga larawan ng kerubin. Ang haba naman ng Dakong Kabanal-banalan ay siyam na metro—kapantay ng luwang ng Templo—at siyam na metro ang luwang. Binalot din niya ito ng lantay na ginto na umabot sa 21,000 kilo, at dalawampung onsa naman ang ginto na ginamit sa paggawa ng mga pako. Binalot din ng ginto ang mga dingding ng mga silid sa itaas. Nagpagawa siya ng dalawang rebultong kerubin na yari sa kahoy sa loob ng Dakong Kabanal-banalan. Binalot din ito ng ginto. Siyam na metro ang kabuuang haba ng mga pakpak ng dalawang kerubin, dalawa't kalahating metro ang bawat isang pakpak. Ang dulo ng isang pakpak ng unang kerubin ay abot sa dingding at ang dulo naman ng kabilang pakpak ay abot sa dulo ng pakpak ng ikalawang kerubin. Gayundin naman, ang dulo ng isang pakpak ng pangalawang kerubin na dalawa't kalahating metro ang haba ay abot sa kabilang dingding at ang dulo ng kabilang pakpak ay abot naman sa dulo ng pakpak ng unang kerubin. Kaya't ang nasasakop ng kanilang mga pakpak ay siyam na metro. Nakatayo ang mga rebultong kerubin at parehong nakaharap sa bulwagan ng Templo. Ang ginamit na tabing ay mga telang hinabi sa lanang kulay asul, kulay ube, at kulay pula, at mamahaling lino. Pinaburdahan pa ito ng mga larawan ng kerubin. Sa harap ng Templo, nagtayo siya ng dalawang haligi na labing-anim na metro ang taas at ang taas naman ng pinagkakabitan nito sa itaas ay dalawa't kalahating metro. Nagpagawa siya ng mga kadena at isinabit iyon na parang kuwintas sa ibabaw ng mga haligi, at ikinabit sa mga kadena ang sandaang bunga ng granadang yari sa tanso. Itinayo niya sa magkabilang tagiliran ng pasukan ng Templo. Ang nasa kanan ay tinawag na Jaquin at ang nasa kaliwa ay tinawag na Boaz. Gumawa siya ng isang altar na tanso na siyam na metro ang haba, siyam na metro din ang luwang, at apat at kalahating metro ang taas. Gumawa rin siya ng malaking ipunan ng tubig na yari sa tanso. Ito'y isang malaking kawa, apat at kalahating metro ang luwang ng labi, dalawa't kalahating metro naman ang lalim at labing-tatlo't kalahating metro ang sukat pabilog. Sa gilid nito'y may palamuting hugis toro na nakapaikot, sampu sa bawat apat at kalahating metro. Ang mga palamuti ay nakahanay nang dalawa na hinulma kasama ng kawa. Ang patungan ng lalagyang ito ay labindalawang torong magkakatalikod: tatlo sa hilaga, tatlo sa timog, tatlo sa kanluran at tatlo sa silangan. Tatlong pulgada ang kapal ng kawa at ang labi nito'y hugis kopa, parang bulaklak na liryo. Maaaring maglaman ito ng tatlong libong baldeng tubig. Nagpagawa rin siya ng sampung palangganang hugasan, lima sa gawing kanan at lima sa kaliwa. Doon nililinis ang mga handog na susunugin at sa malaking kawa naman naghuhugas ang mga pari. Gumawa rin siya ng sampung ilawang ginto, katulad ng ipinagawa ni Yahweh kay Moises. Ipinalagay naman niya ang mga ilawang ito sa Dakong Banal, lima sa gawing kanan at lima sa kaliwa. Pagkatapos, nagpagawa siya ng sampung hapag at ipinalagay rin sa Dakong Banal, lima sa gawing kanan at lima sa gawing kaliwa. Nagpagawa rin siya ng sandaang mangkok na ginto. Gumawa rin siya ng bulwagan ng mga pari, at ng bulwagang malaki, pati ng mga pinto nito. Ang mga pintong ito ay binalot niya ng tanso. Inilagay niya ang malaking kawa sa gawing kanan sa dakong timog-silangang sulok ng Templo. Gumawa rin si Huram ng mga lalagyan ng abo, mga pala at mga kalderong sahuran ng dugo. Tinapos nga ni Huram ang lahat ng ipinagawa sa kanya ni Haring Solomon para sa Templo ng Diyos: ang dalawang haliging tanso, ang hugis mangkok na nasa itaas ng mga haligi at ang dalawang hanay ng palamuti na parang lambat na nakapaligid dito; ang apatnaraang granadang tanso na dalawang hanay ang pagkakabit sa mga palamuting hugis mangkok sa itaas ng mga haligi; ang sampung palanggana at ang sampung patungan ng mga ito; ang malaking kawang tanso at ang labindalawang rebultong toro na kinapapatungan nito; ang mga lalagyan ng abo, mga pala at mga pantusok at iba pang kasangkapan. Ang mga kasangkapang ito na yari lahat sa makinis na tanso ay ginawa ni Huram para sa Templo ni Yahweh ayon sa utos ni Haring Solomon. Ipinahulma ng hari ang lahat ng ito sa kapatagan ng Jordan, sa pagitan ng Sucot at Zereda. Sa dami ng mga kagamitang ito na ipinagawa ni Solomon, hindi na matiyak ang kabuuang timbang ng ginamit na tanso. Ipinagawa rin ni Solomon ang mga kasangkapan sa loob ng Templo ng Diyos: ang altar na ginto, ang mga mesa para sa tinapay na handog; ang mga ilawang lantay na ginto, pati ang mga ilawang dapat sindihan sa harap ng Dakong Kabanal-banalan, ayon sa Kautusan; ang mga palamuting bulaklak, ang mga ilawan at ang mga sipit na pawang gintong lantay; ang mga pampatay ng ilaw, mga palanggana, mga lalagyan ng insenso at mga lalagyan ng baga ay pawang lantay na ginto. Pati ang mga pinto ng Templo, at ng Dakong Kabanal-banalan ay balot din ng ginto. Nang matapos na ang lahat ng ipinagawa ni Solomon para sa Templo, ipinasok niya sa kabang-yaman ng Templo ang lahat ng bagay na inilaan para dito ng kanyang amang si David: ginto, pilak, mga lalagyan at iba pang kagamitan. Pinulong ni Solomon sa Jerusalem ang matatandang pinuno ng Israel, ang lahat ng pinuno ng mga lipi at ng mga angkan upang kunin sa Zion, sa Lunsod ni David, ang Kaban ng Tipan. Kaya't nagtipun-tipon ang kalalakihan ng Israel noong ikapitong buwan, Pista ng mga Tolda. Pagdating ng pinuno ng Israel, binuhat ng mga Levita ang Kaban ng Tipan at dinala sa Templo. Ipinasok din ng mga pari at ng mga Levita ang Toldang Tipanan pati ang mga banal na kagamitan nito sa loob ng Templo. Pagkatapos, si Haring Solomon at ang buong kapulungan ng Israel na nagkakatipon sa harap ng kaban ay naghandog ng mga baka at mga tupa na sa dami ay hindi na mabilang. At ipinasok ng mga pari ang Kaban ng Tipan sa Dakong Kabanal-banalan. Inilagay nila ito sa ilalim ng mga pakpak ng mga kerubin. Nakabuka ang mga pakpak ng mga kerubin kaya't nalulukuban ng mga iyon ang Kaban ng Tipan at ang mga pasanan nito. Ang mga pasanan ay lampas sa magkabilang dulo ng Kaban at nakikita ito mula sa Dakong Kabanal-banalan. Ngunit hindi ito nakikita sa labas. Ganito pa rin ang ayos ng lahat ng iyon hanggang ngayon. Walang laman ang Kaban kundi ang dalawang tapyas ng batong inilagay roon ni Moises noong sila'y nasa Sinai. Ito ang mga tapyas ng batong kinasusulatan ng kasunduang ginawa ni Yahweh sa bayang Israel noong umalis sila sa Egipto. Ang lahat ng paring naroon, kahit na iba't ibang pangkat ay naghanda ng kani-kanilang sarili sa paglilingkod. At paglabas nila mula sa Templo, nakatayo naman sa gawing silangan ng altar ang mga mang-aawit na Levita: sina Asaf, Heman at Jeduthun, kasama ang kanilang mga anak at mga kapatid. Nakadamit sila ng mamahaling lino at tumutugtog ng pompiyang, alpa at lira, kasaliw ng mga trumpeta na hinihipan ng 120 pari. Ang mga umiihip ng trumpeta at ang mga mang-aawit ay sama-samang nagpupuri at nagpapasalamat kay Yahweh. Sa saliw ng mga trumpeta, pompiyang at iba pang mga instrumento ay inaawit nila ang ganito: “Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan! Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.” At ang Templo, ang tahanan ng Diyos, ay napuno ng ulap. Kaya't ang mga pari'y hindi nakatagal sa loob upang maglingkod. Napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh ang buong Templo. Sinabi noon ni Solomon: “Sinabi ninyo, Yahweh, na ibig ninyong manirahan sa makapal na ulap. Ipinagtayo ko kayo ng isang maringal na bahay, isang lugar na titirhan ninyo magpakailanman.” Pagkatapos ay humarap ang hari at binasbasan ang buong sambayanang Israel. Sinabi niya: “Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel. Tinupad niya ang kanyang pangako kay David na aking ama. Sinabi niya noon: ‘Mula nang ilabas ko sa Egipto ang aking bayan hanggang ngayon, hindi ako pumili ng alinmang lunsod sa mga lipi ng Israel upang ipagtayo ako roon ng isang Templo kung saan ako'y sasambahin. Hindi pa rin ako pumipili ng sinuman upang mamuno sa Israel. Ngunit pinili ko ang Jerusalem upang doon ako sambahin at hinirang ko si David upang mamuno sa aking bayang Israel.’ “Binalak ni David na aking ama na ipagtayo ng templo si Yahweh, ang Diyos ng Israel, upang doon siya sambahin. Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, ‘Mabuti ang binabalak mong magtayo ng isang Templo para sa akin. Subalit hindi ikaw ang magtatayo niyon, kundi ang isa sa magiging anak mo.’ “Natupad ngayon ang pangako ni Yahweh. Humalili ako sa aking amang si David at ngayo'y nakaupo ako sa trono ng Israel gaya ng pangako ni Yahweh. Naitayo ko na ang Templo kung saan ay sasambahin si Yahweh, ang Diyos ng Israel. Nailagay ko na roon ang Kaban ng Tipan na kinalalagyan ng kasunduang ginawa ni Yahweh sa sambayanang Israel.” Pagkatapos, sa harap ng buong sambayanan ng Israel, tumayo si Solomon sa harap ng altar ni Yahweh at iniunat ang kanyang mga kamay. Gumawa siya ng isang entabladong tanso, dalawa't kalahating metro ang haba gayundin ang luwang at isa't kalahating metro ang taas. Ito ay pinagawa sa gitna ng bulwagan. Nanalangin siya ng ganito: “Yahweh, Diyos ng Israel, walang Diyos na katulad ninyo sa langit man o sa lupa. Tinutupad ninyo ang inyong pangako sa inyong mga lingkod. Tapat ang pag-ibig na ipinapakita ninyo sa kanila habang sila'y nananatiling tapat sa inyo. Tinupad ninyo ngayon ang inyong pangako sa inyong lingkod na si David na aking ama. Yahweh, Diyos ng Israel, patuloy sana ninyong tuparin ang inyong pangako kay David na inyong lingkod nang sabihin ninyo sa kanya: ‘Hindi ko ipapahintulot na ang iyong angkan ay mawalan ng isang nakaupo sa trono ng Israel kung susunod ang iyong mga anak sa Kautusan ko, tulad ng ginawa mo.’ Pagtibayin po ninyo Yahweh, Diyos ng Israel, ang mga pangakong binitiwan ninyo sa aking amang si David na inyong lingkod. “Subalit maaari po bang manirahan sa lupa ang Diyos? Kung ang langit, ang kataas-taasang langit, ay hindi sapat na maging tahanan ninyo, ito pa kayang hamak na Templong aking itinayo? Gayunman, pakinggan po ninyo Yahweh, aking Diyos, ang panalangin at pagsusumamo ng inyong lingkod. Huwag ninyong iwaglit sa inyong paningin araw-gabi ang Templong ito, yamang ipinangako ninyong dito sasambahin ang inyong pangalan. Pakinggan sana ninyo ako kapag ako'y humarap sa Templong ito at nananalangin. “Pakinggan po ninyo ang inyong lingkod at ang inyong bayan tuwing kami'y mananalangin na nakaharap sa lugar na ito. Pakinggan ninyo kami mula sa langit na inyong tahanan at sana'y patawarin ninyo kami. “Sakaling magkasala ang isang tao sa kanyang kapwa at siya'y panumpain sa harap ng inyong altar sa Templong ito, pakinggan po ninyo siya, Yahweh, buhat sa langit. Kayo ang humatol sa inyong mga lingkod. Parusahan ninyo ang nagkasala ayon sa bigat ng kanyang kasalanan at pagpalain ang walang sala. “Sakaling ang inyong bayang Israel ay matalo ng kaaway dahil sa kanilang pagkakasala sa inyo, sa sandaling sila'y magbalik-loob sa inyo, kumilala ng inyong kapangyarihan, nanalangin at nagsumamo sa inyo sa Templong ito, pakinggan po ninyo sila mula diyan sa langit. Patawarin po ninyo ang inyong bayan at ibalik ninyo sila sa lupaing inyong ibinigay sa kanilang mga ninuno. “Kapag pinigil ninyo ang ulan sapagkat nagkasala sa inyo ang inyong bayang Israel, at kung sila'y manalangin sa Templong ito, magpuri sa inyong pangalan at magsisi sa kanilang kasalanan at kilalaning iyon ang dahilan ng inyong pagpaparusa, pakinggan po ninyo sila mula sa langit. Patawarin ninyo ang inyong mga lingkod, ang inyong bayang Israel. Ituro ninyo sa kanila ang landas na dapat nilang tahakin. Papatakin na ninyo ang ulan sa lupaing ipinamana ninyo sa inyong bayan. “Kapag nagkaroon ng taggutom at salot sa lupain, kung malanta at matuyo ang mga halaman, kung ang mga ito'y salantain ng higad at balang, at kung ang alinman sa kanilang mga lunsod ay makubkob ng kaaway, kung lumaganap ang sakit at salot, sa sandaling ang inyong bayang Israel o sinuman sa kanila ay magsisi at iunat ang mga kamay na nananalangin paharap sa lugar na ito upang tumawag at magmakaawa sa iyo, pakinggan ninyo sila mula sa langit na inyong trono at patawarin ninyo sila. Ibigay ninyo sa bawat isa ang nararapat sa kanyang mga gawa, sapagkat kayo lamang ang nakakaalam ng nilalaman ng puso ng tao. Sa ganoon, mananatili silang may takot sa inyo habang sila'y nabubuhay dito sa lupaing ibinigay ninyo sa aming mga ninuno. Idinadalangin ko rin ang dayuhang mula sa malayong lugar at hindi kabilang sa inyong bayang Israel na magsasadya sa Templong ito upang manalangin sapagkat nabalitaan ang inyong dakilang pangalan at kapangyarihan. Pakinggan ninyo siya mula sa langit na inyong trono at ipagkaloob ninyo sa kanya ang kanyang hinihiling. Sa ganoon, kikilalanin ng lahat ng tao sa daigdig ang inyong pangalan. At tulad ng Israel, malalaman nila na kayo ay sinasamba sa Templong ito. “Kapag ang inyong bayan ay nakipagdigma laban sa kanilang mga kaaway bilang pagsunod sa inyong utos, at sila'y nanalangin na nakaharap sa lunsod na ito na inyong pinili at sa Templong aking ipinatayo upang dito'y sambahin kayo, pakinggan po ninyo sila mula sa langit. Pagtagumpayin ninyo sila. “Kapag ang inyong bayan ay nagkasala sa inyo (at walang taong hindi nagkakasala) at dahil sa galit ninyo'y pinabayaan ninyo silang matalo at dalhing-bihag ng kanilang mga kaaway sa malayo o malapit na lupain, kung sa lupaing pinagdalhan sa kanila'y makilala nila ang kanilang kamalian at tanggaping sila'y nagkasala at nagpakasama, sa sandaling sila'y magsisi nang taos-puso at magbalik-loob sa inyo at mula roo'y humarap sila sa lupaing ibinigay mo sa kanilang mga ninuno, sa lunsod na ito na iyong pinili at sa Templong ito na aking ipinatayo upang dito'y sambahin kayo, pakinggan ninyo sila mula sa langit na inyong tahanan. Pakinggan ninyo ang kanilang panalangin at pagsusumamo at iligtas ninyo sila. Patawarin ninyo ang inyong bayan sa kanilang pagkakasala sa inyo. Pagmasdan ninyo kami, O Diyos, at pakinggan ang mga panalanging iniaalay sa lugar na ito. ‘Sa iyong tahanan, Panginoong Yahweh, pumasok ka kasama ang Kaban, ang Kaban na sagisag ng inyong kapangyarihan. Iyong mga pari, hayaang magpahayag ng iyong kaligtasan, ang mga hinirang sumigaw sa galak! Huwag ninyong itakwil, Panginoong Yahweh, ang pinili ninyong hari. Alalahanin ninyo ang inyong tapat na pag-ibig kay David na inyong lingkod.’” Pagkatapos manalangin ni Solomon, may apoy na bumabâ mula sa langit; tinupok ang mga handog, at ang Templo ay napuno ng kaluwalhatian ni Yahweh. Hindi makapasok sa Templo ang mga pari sapagkat napuno ito ng kaluwalhatian ni Yahweh. Nasaksihan ng buong Israel nang bumabâ ang apoy at nang ang Templo'y mapuno ng kaluwalhatian ni Yahweh. Kaya't nagpatirapa sila, sumamba at nagpasalamat kay Yahweh, at nagsasabing, “Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan! Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.” Pagkatapos, ang hari at ang buong bayan ay nag-alay ng mga handog kay Yahweh. Naghandog si Solomon ng 22,000 baka at 120,000 tupa. Sa ganitong paraan itinalaga ng hari at ng sambayanan ang Templo ng Diyos. Nakatayo ang mga pari sa kani-kanilang lugar, kaharap ang mga Levita na tumutugtog ng mga instrumentong ginawa ni Haring David upang pasalamatan si Yahweh. Ito ang awit nila: “Ang tapat niyang pag-ibig ay walang hanggan.” Hinipan naman ng mga pari ang mga trumpeta habang nakatayo ang buong sambayanan ng Israel. Itinalaga ni Solomon ang gitna ng bulwagan sa harap ng Templo. Doon niya inialay ang mga handog na susunugin, ang mga handog na pagkaing butil at ang mga tabang handog pangkapayapaan, sapagkat hindi magkasya ang mga ito sa altar na tanso na ipinagawa ni Solomon. Ipinagdiwang ni Solomon ang Pista ng mga Tolda sa loob ng pitong araw. Dumalo roon ang buong bayan ng Israel mula sa pagpasok sa Hamat na nasa hilaga hanggang sa Batis ng Egipto sa timog. Nang ikawalong araw, nagdaos sila ng isang dakilang pagtitipon. Pitong araw nilang ipinagdiwang ang pagtatalaga sa altar at pitong araw rin ang Pista ng mga Tolda. Nang ikadalawampu't tatlong araw ng ikapitong buwan, pinauwi na ni Solomon ang mga tao. Masayang-masaya silang lahat dahil sa kagandahang-loob ni Yahweh kay David, kay Solomon at sa kanyang bayang Israel. Natapos ni Solomon ang Templo ni Yahweh at ang sarili niyang palasyo. Sinunod niyang lahat ang plano niya para sa mga ito. Isang gabi, nagpakita sa kanya si Yahweh at sinabi sa kanya: “Narinig ko ang iyong panalangin at tinatanggap ko ang lugar na ito upang dito ninyo ako handugan. Isara ko man ang langit at hindi na umulan; utusan ko man ang mga balang upang salantain ang lupaing ito; magpadala man ako ng salot sa aking bayan, ngunit kung ang bayang ito na nagtataglay ng aking karangalan ay magpakumbabá, manalangin, hanapin ako at talikuran ang kanilang kasamaan, papakinggan ko sila mula sa langit. Patatawarin ko sila sa kanilang mga kasalanan at muli kong pasasaganain ang kanilang lupain. Babantayan ko sila at papakinggan ko ang mga panalanging iniaalay nila rito. Pinili ko at iniuukol ang Templong ito upang dito ako sambahin magpakailanman. Lagi kong babantayan at mamahalin ang Templong ito magpakailanman. Kung mananatili kang tapat sa akin gaya ng iyong amang si David, kung susundin mo ang lahat kong mga utos at tuntunin, patatatagin ko ang iyong paghahari. Tulad ng pangako ko sa iyong amang si David, hindi siya mawawalan ng anak na lalaki na maghahari sa Israel. “Ngunit kapag tinalikuran ninyo ako at sinuway ninyo ang mga batas at mga utos na ibinigay ko sa inyo, at sumamba kayo at naglingkod sa ibang mga diyos, palalayasin ko kayo sa lupaing ito na ibinigay ko sa inyo. Iiwan ko ang Templong ito na inilaan ko upang dito ako sambahin. Pagtatawanan ito at lalapastanganin ng mga bansa. Ang mapapadaan sa tapat ng Templong ito na ngayo'y dinadakila ay mapapailing at magtatanong: ‘Bakit kaya ganito ang ginawa ni Yahweh sa lupaing ito at sa Templong ito?’ Ito naman ang isasagot sa kanila: ‘Sapagkat tinalikuran nila si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, na naglabas sa kanila sa Egipto. Bumaling sila sa ibang mga diyos at ang mga ito ang kanilang sinamba at pinaglingkuran. Kaya pinarusahan sila ng ganito ni Yahweh.’” Ipinatayo ni Solomon ang kanyang palasyo at ang Templo ni Yahweh sa loob ng dalawampung taon. Pagkatapos, ipinatayo niyang muli ang mga lunsod na ibinigay sa kanya ni Hiram at pinatira niya roon ang mga Israelita. Sinalakay niya at sinakop ang Hamat-Zoba. Itinayo niya ang lunsod ng Palmera na nasa disyerto, at ang mga lunsod-imbakan na itinayo niya sa Hamat. Pinaligiran niya ng pader ang mga lunsod ng Beth-horong Itaas at Beth-horong Ibaba. Nilagyan din niya ang mga ito ng mga pintuang may panghalang. Gayundin ang ginawa niya sa Baalat at sa kanyang mga lunsod-imbakan at mga lunsod-himpilan ng kanyang mga karwahe at ng kanyang mga mangangabayo. Ipinagawa ni Solomon ang bawat magustuhan niyang ipagawa sa Jerusalem, sa Lebanon at sa lahat ng sakop ng kanyang kaharian. Hindi isinama ni Solomon ang mga Israelita sa sapilitang paggawa. Sa halip, naglingkod ang mga ito bilang mga mandirigma: mga kawal at pinuno ng hukbo at ng kanyang mangangabayo at mga karwahe. Sila rin ang ginawang tagapangasiwa ni Haring Solomon sa mga nagtatrabaho sa kanyang mga pagawaan. Ang bilang nila'y 250. Ipinasundo ni Solomon mula sa lunsod ni David ang asawa niya na anak ng Faraon. Dinala niya ito sa palasyong ipinagawa niya para rito. Sinabi ni Solomon, “Hindi dapat tumira ang asawa ko sa palasyo ni David na hari ng Israel. Iyon ay banal na dako sapagkat itinuturing na banal ang lahat ng lugar na mapaglagyan ng Kaban ng Tipan.” Nag-alay si Solomon kay Yahweh ng mga handog na susunugin sa altar ni Yahweh na kanyang ipinatayo sa harap ng portiko. Ginawa niya ang lahat ayon sa mga tuntuning ibinigay ni Moises tungkol sa paghahandog sa mga Araw ng Pamamahinga, sa Pista ng Bagong Buwan at sa tatlong taunang kapistahan: ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, ang Pista ng Pag-aani at ang Pista ng mga Tolda. Sinunod niya ang kaayusang itinakda ni David tungkol sa paglilingkod ng mga pari. Gayundin sa mga Levita sa kanilang pang-araw-araw na pamumuno sa pag-awit ng papuri at pagtulong sa mga pari at sa pagbabantay sa Templo. Ginawa niya ito ayon sa utos ni David na lingkod ng Diyos. Hindi sila lumabag kaunti man, maging sa gawain ng mga pari at mga Levita, at maging sa pag-iingat sa kayamanan ng Templo. At natapos ang mga ipinagawa ni Solomon, mula sa paglalagay ng pundasyon ng Templo hanggang sa mayari ito. Pagkatapos, pumunta si Solomon sa Ezion-geber at sa Elot na nasa baybayin ng dagat sa lupain ng Edom. Pinadalhan siya ni Hiram ng mga barko at mga bihasang magdaragat na mangangasiwa niyon. Pumunta sila sa Ofir kasama ng mga tauhan ni Haring Solomon. Nang bumalik sila ay may dala silang 15,750 kilong ginto na ibinigay nila kay Solomon. Nabalitaan ng reyna ng Seba ang katanyagan ni Haring Solomon. Kaya't nagsadya siya sa Jerusalem upang subukin ito sa pamamagitan ng mahihirap na katanungan. Marami siyang kasamang tauhan at mga kamelyong may kargang mga pabango, ginto at mamahaling bato. Nang makaharap niya si Solomon, itinanong niya rito ang lahat ng maisipan niyang itanong. Ipinaliwanag naman ni Solomon ang lahat ng ibig malaman ng reyna. Wala itong tanong na hindi niya nasagot. Napatunayan ng reyna ang karunungan ni Solomon at nakita niya ang palasyong ipinatayo nito. Nakita rin niya ang mga pagkain sa hapag ng hari at ang mga silid ng kanyang mga opisyal, gayundin ang paglilingkod ng kanyang mga utusan at mga tagadala ng inumin at ang mga kasuotan nilang lahat. Nakita rin niya ang mga handog na susunugin na iniaalay ni Solomon sa Templo ni Yahweh. Labis siyang namangha sa lahat niyang nakita. Kaya't sinabi niya sa hari: “Totoo nga pala ang balitang nakarating sa bayan ko tungkol sa inyo at sa inyong karunungan. Noong una'y hindi ako makapaniwala. Ngunit ngayong makita ng dalawa kong mata, wala pa pala sa kalahati ang ibinalita nila sa akin. Ang karunungan pala ninyo ay higit sa nabalitaan ko. Mapalad ang inyong mga lingkod. Mapalad ang mga tauhan ninyong ito na laging nakakarinig ng inyong karunungan. Purihin ang Diyos ninyong si Yahweh na nalugod sa inyo kaya't ginawa ka niyang hari upang mamahala alang-alang sa kanya. Sapagkat tapat ang pag-ibig ni Yahweh sa Israel, at nais niyang patatagin ito magpakailanman. Ginawa niya kayong hari nila upang pairalin dito ang batas at katarungan.” At binigyan niya ang hari ng 4,200 kilong ginto, maraming pabango at mamahaling hiyas. Walang kaparis ang mga pabangong ibinigay ng reyna ng Seba kay Haring Solomon. Bukod dito, ang mga tauhan ni Haring Hiram at ni Solomon na nagdadala ng ginto buhat sa Ofir ay may dala ring mamahaling bato at maraming kahoy na algum. Ito ang kahoy na ginamit ng hari sa mga upuan sa Templo at sa kanyang palasyo at sa mga lira at alpa ng mga mang-aawit. Wala pang nakikitang kahoy na tulad nito nang panahong iyon sa lupain ng Juda. Ipinagkaloob naman ni Haring Solomon sa reyna ng Seba ang lahat ng hiniling nito, bukod pa sa kanyang regalo bilang ganti sa pasalubong nito sa kanya. Pagkatapos, umuwi na ang reyna ng Seba at ang kanyang mga tauhan sa kanilang lupain. Taun-taon, 23,310 kilong ginto ang dumarating kay Solomon. Hindi pa kabilang dito ang buwis ng mga mangangalakal, ang tinutubo ng kanyang mga tauhang umaangkat sa ibang bansa at ang buwis ng mga hari sa Arabia at ng mga gobernador ng lalawigan. Nagpagawa siya ng 200 malalaking kalasag na may balot na pitong kilong pinitpit na ginto bawat isa. Nagpagawa pa siya ng 300 maliliit na kalasag na may balot namang tatlong kilong pinitpit na ginto bawat isa. Ipinalagay ng hari ang nasabing mga kalasag sa Bulwagan ng Kagubatang Lebanon. Nagpagawa rin siya ng isang malaking tronong balot sa garing na may palamuting ginto. Balot din ng ginto ang anim na baytang na paakyat sa trono at ang tuntungan dito. May patungan ng kamay sa magkabilang tagiliran ng trono at may rebulto ng nakatayong leon sa magkabila. Labindalawang rebultong leon naman ang nakahanay sa magkabilang dulo ng anim na baytang. Walang ganitong trono na nagawa saan mang kaharian. Lantay na ginto ring lahat ang mga kopa ni Haring Solomon at ang mga kasangkapan sa Bulwagan ng Kagubatang Lebanon. Hindi gaanong pinahahalagahan ang pilak noon. May mga malalaking barko siyang nagbibiyahe sa Tarsis kasama ng mga tauhan ni Hiram at tuwing ikatlong taon ay dumarating na maraming dalang ginto, pilak, garing, mga gorilya at pabo real. Si Haring Solomon ang pinakamarunong at pinakamayaman sa lahat ng mga hari sa buong mundo. Kaya't pinupuntahan siya ng mga hari buhat sa iba't ibang panig ng daigdig upang makinig sa karunungang ibinigay sa kanya ng Diyos. Bawat isa'y may dalang regalo: mga kasangkapang ginto at pilak, mga damit, mira, mga pabango, mga kabayo at mola. Nagpapatuloy ito taun-taon. Si Solomon ay may 4,000 kuwadra para sa kanyang mga kabayo at karwahe. Mayroon rin siyang 12,000 na mangangabayo. Ang mga ito'y inilagay niya sa mga lunsod-himpilan ng mga karwahe at ang iba nama'y pinapaalagaan sa Jerusalem. Sakop niya ang lahat ng mga hari ng mga lupain buhat sa Ilog Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo at sa may hangganan ng Egipto. Nang panahon ni Haring Solomon, ang pilak sa Jerusalem ay naging pangkaraniwan lamang na parang bato, at ang kahoy na sedar ay naging sindami ng sikamoro sa mga paanan ng mga burol. Ang mga kabayo ni Solomon ay galing sa Egipto at sa iba't ibang bansa. Ang iba pang mga pangyayari sa paghahari ni Solomon buhat sa simula hanggang wakas ay nakasulat sa Kasaysayan ni Propeta Natan at sa Pahayag ni Ahias na Taga-Shilo. Mababasa rin iyon sa Mga Pangitain ni Propeta Iddo na nagsasaad din ng paghahari ni Jeroboam na anak ni Nebat. Apatnapung taóng naghari si Solomon sa buong Israel mula sa Jerusalem. Nang siya'y mamatay, inilibing siya sa Lunsod ni David. Humalili sa kanya bilang hari ang anak niyang si Rehoboam. Pumunta sa Shekem si Rehoboam sapagkat nagtipun-tipon doon ang buong Israel upang gawin siyang hari. Nang mabalitaan iyon ni Jeroboam, anak ni Nebat na pumunta sa Egipto upang tumakas kay Haring Solomon, ay umuwi na ito. Ipinasundo siya ng mga lipi sa hilaga at sama-sama silang pumunta kay Rehoboam. Sinabi nila: “Binigyan po kami ng mabigat na pasanin ng inyong ama. Kung pagagaanin po ninyo ang pasanin na aming dinadala, paglilingkuran namin kayo.” Sinagot sila ni Rehoboam: “Bigyan ninyo ako ng tatlong araw upang pag-isipan ang inyong kahilingan, saka kayo bumalik.” At umalis nga ang mga tao. Sumangguni si Rehoboam sa matatandang tagapayo na naglingkod sa kanyang ama nang ito'y nabubuhay pa. Itinanong niya kung ano ang dapat niyang sabihin sa mga tao. Ganito ang sabi ng matatanda: “Kapag magiging mabait kayo sa mga taong ito, at pagbibigyan ninyo sila sa kanilang kahilingan, paglilingkuran nila kayo nang tapat habang panahon.” Ngunit binale-wala ni Rehoboam ang payo ng matatanda. Sa halip, sumangguni siya sa kanyang mga kababata na ngayo'y mga tagapayo niya. Tinanong niya ang mga ito kung ano ang dapat niyang isagot sa mga taong humihiling na pagaanin ang pasaning ipinataw sa kanila ng kanyang ama. Ganito naman ang sagot ng mga kabataan: “Sabihin mo sa kanila na ang iyong ama ay naging mahina. Dagdagan mo pa ang pahirap sa kanila. Kung latigo ang panghampas sa kanila noon ng iyong ama, ngayon ay gawin mong tinik na bakal.” Nang ikatlong araw, bumalik nga si Jeroboam at ang mga taong-bayan ayon sa sinabi sa kanila ni Rehoboam. Taliwas sa payo ng matatanda, mabagsik ang sagot niya sa mga tao. Ang sinunod niya'y ang payo ng mga kabataan. Sinabi niya, “Kung mabigat ang ipinapasan sa inyo ng aking ama, daragdagan ko pa iyan. Kung hinagupit niya kayo ng latigo, may tinik na bakal naman ang ihahagupit ko sa inyo.” Hindi nga dininig ng hari ang karaingan ng bayan. Pinahintulutan iyon ng Diyos na si Yahweh upang matupad ang kanyang sinabi sa pamamagitan ni Ahias na taga-Shilo, tungkol kay Jeroboam na anak ni Nebat. Nang hindi sila pakinggan ng hari, sinabi nila: “Umuwi na tayo, O Israel! Ano bang mapapala natin kay David? Ano bang nagawa para sa atin ng anak ni Jesse? Bahala ka na sa buhay mo, Rehoboam!” At umuwi na ang mga mamamayan ng Israel. Ngunit naghari si Rehoboam sa mga Israelitang naninirahan sa mga bayan ng Juda. Sinugo ni Haring Rehoboam si Adoram, ang tagapangasiwa ng sapilitang paggawa sa sampung lipi ng Israel. Ngunit binato siya ng mga ito hanggang mamatay. Kaya't nagmamadaling sumakay sa karwahe si Rehoboam upang tumakas patungong Jerusalem. Magmula noon, patuloy na naghimagsik sa paghahari ng angkan ni David ang sampung lipi ng Israel na nasa hilaga. Pagdating ni Rehoboam sa Jerusalem, tinipon niya ang mga lipi ng Juda at Benjamin. Pumili siya ng 180,000 mahuhusay na mandirigma upang salakayin ang sampung lipi ng Israel at ibalik sila sa kanyang kapangyarihan. Ngunit sinabi ni Yahweh kay propeta Semaias: “Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon at hari ng Juda at sa lahat ng mga Israelitang taga-Juda at Benjamin, na ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Huwag na ninyong salakayin ang inyong mga kapatid. Hayaan na ninyo silang makauwi sa kani-kanilang tahanan. Ako ang may kagustuhan nito.’” Sinunod nga nila ang ipinasabi ni Yahweh. Nag-uwian na sila at hindi na nila dinigma si Jeroboam. Sa Jerusalem tumira si Rehoboam at pinalagyan niya ng mga pader ang mga lunsod na ito sa Juda at Benjamin: Pinatibay niya ang kuta ng mga ito, nilagyan ng kani-kanilang pinuno at mga imbakan ng pagkain, langis at alak. Naglagay rin siya ng mga sibat at mga panangga sa mga nasabing lunsod. Pinatibay niyang mabuti ang mga lunsod na ito. Sa ganitong paraan, napanatili niya sa ilalim ng kanyang kapangyarihan ang Juda at Benjamin. Nagdatingan ang mga pari at ang mga Levita mula sa lahat ng panig ng Israel upang maglingkod kay Rehoboam. Iniwan nila ang kanilang mga pastulan at mga ari-arian upang manirahan sa Juda at sa Jerusalem sapagkat inalis sila ni Jeroboam at ng mga anak nito bilang mga pari ni Yahweh. Sa halip, naglagay si Jeroboam ng kanyang mga sariling pari para sa mga sagradong burol, sa mga satiro at sa mga rebultong guya na ipinagawa niya. Subalit mula sa lahat ng lipi, may mga tapat na lingkod si Yahweh, ang Diyos ng Israel. Sila ay sumunod sa mga pari at mga Levitang pumupunta sa Jerusalem upang maghandog kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Dahil dito, pinatatag nila ang kaharian ng Juda at pinatibay ang kapangyarihan ni Rehoboam na anak ni Solomon sa loob ng tatlong taon, sapagkat sumusunod sila sa magagandang halimbawa ni David at ni Solomon. Napangasawa ni Rehoboam si Mahalat na anak ni Jerimot at ni Abihail. Anak ni David si Jerimot at si Abihail naman ay anak ni Eliab na anak ni Jesse. Sina Jeus, Semarias at Zaham ang mga anak na lalaki ni Rehoboam kay Mahalat. Napangasawa rin ni Rehoboam si Maaca na anak ni Absalom at ang mga anak nila'y sina Abias, Atai, Ziza at Selomit. Mahal na mahal ni Rehoboam si Maaca na anak ni Absalom higit sa iba niyang mga asawa at asawang-lingkod. Labing-walo ang asawa niya at animnapu ang kanyang asawang-lingkod. Dalawampu't walo ang naging anak niyang lalaki at animnapu naman ang mga babae. Sapagkat gusto ni Rehoboam na si Abias ang maging hari pagkamatay niya, inilagay niya itong pinuno at pangunahin sa kanyang mga kapatid. Ipinadala ni Rehoboam ang kanyang mga anak na lalaki sa iba't ibang lugar sa lupain ng Juda at Benjamin, sa mga lunsod na napapaligiran ng pader. Binigyan niya sila ng lahat nilang kailangan at inihanap ng mga asawa. Nang maging matatag na ang paghahari ni Rehoboam, tinalikuran niya at ng buong Israel ang Kautusan ni Yahweh. Subalit nang ikalimang taon ng paghahari ni Rehoboam, sapagkat hindi sila naging tapat kay Yahweh, sinalakay ni Shishak, hari ng Egipto, ang Jerusalem. Ang hukbo ni Shishak ay binubuo ng 1,200 karwahe, 60,000 mangangabayo at di mabilang na mga tauhan pati mga taga-Libya, taga-Sukuim at taga-Etiopia. Nakuha niya ang mga may pader na lunsod ng Juda at nakaabot siya hanggang Jerusalem. Dahil sa pananalakay ni Shishak, ang mga pinuno ng Israel ay nagtipon sa Jerusalem kasama ni Rehoboam. Dumating naman ang propetang si Semaias at sinabi sa kanila: “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Pinabayaan ninyo ako, kaya pinabayaan ko rin kayong mahulog sa kamay ni Shishak.’” Pagkarinig niyon, nagpakumbabá ang hari at ang mga pinuno ng Israel at sinabi nila: “Makatarungan si Yahweh.” Nakita ni Yahweh ang kanilang pagpapakumbaba, kaya sinabi niya kay Semaias: “Nagpakumbabá na sila, kaya hindi ko na sila lilipulin. Ililigtas ko sila sa lubos na kapahamakan at hindi ko na ibubuhos ang aking galit sa Jerusalem sa pamamagitan ni Shishak. Gayunman, sila'y masasakop nito upang malaman nila kung alin ang higit na mabuti: ang maglingkod sa akin o ang maglingkod sa mga hari sa lupa.” Sinalakay ni Haring Shishak ng Egipto ang Lunsod ng Jerusalem at sinamsam ang mga kayamanan sa Templo ni Yahweh at sa palasyo ng hari. Kinuha niya ang lahat, pati ang mga gintong kalasag na ipinagawa ni Solomon. Pinapalitan ni Rehoboam ang mga iyon ng kalasag na tanso. Pinaingatan niya ang nasabing mga panangga sa pinuno ng mga bantay ng palasyo. Tuwing pupunta sa Templo ang hari, inilalabas nila ang mga kalasag at pagkatapos ay ipinababalik sa silid ng mga bantay. Sapagkat nagpakumbabá si Rehoboam, hindi ganap na ibinuhos ng Diyos ang galit nito sa kanya. Hindi sila nalipol nang tuluyan at naging matiwasay na ang kalagayan ng Juda. Naging matatag ang paghahari ni Rehoboam sa Jerusalem. Apatnapu't isang taóng gulang siya nang magsimulang maghari at labimpitong taon siyang naghari sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ni Yahweh sa lahat ng lipi ng Israel upang doon siya sambahin. Ang kanyang ina ay si Naama, na isang Ammonita. Naging masama siya sapagkat hindi niya sinunod ang kalooban ni Yahweh. Ang mga ginawa ni Rehoboam buhat sa simula hanggang sa wakas, ay nakasulat sa Kasaysayan ng propetang si Semaias at sa Kasaysayan ng propetang si Iddo. Patuloy ang digmaan nina Jeroboam at Rehoboam sa buong panahon ng paghahari nila. Nang mamatay si Rehoboam, inilibing siya sa Lunsod ni David at si Abias na anak niya ang humalili sa kanya bilang hari. Nang ikalabing walong taon ng paghahari ni Jeroboam, si Abias ay nagsimulang maghari sa Juda. Tatlong taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Micaias na anak ni Uriel na taga-Gibea. Nagkaroon ng digmaan sina Jeroboam at Abias. Ang hukbo ni Abias ay binubuo ng 400,000 kawal, samantalang ang kay Jeroboam naman ay 800,000. Humanay ang hukbo ni Abias sa may bulubundukin ng Efraim, sa taluktok ng Bundok Zemaraim. Mula roo'y sumigaw siya: “Makinig kayo, Jeroboam at buong bayang Israel! Hindi ba ninyo alam na pinagtibay ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, sa isang kasunduang hindi maaaring sirain, na si David at ang kanyang mga anak ang maghahari sa Israel magpakailanman? Ngunit si Jeroboam na anak ni Nebat at dating alipin ni Solomon na anak ni David ay naghimagsik laban sa kanyang haring si Solomon. Mga walang-hiya at tampalasang tao ang sumama sa kanya. Hindi nila kinilala si Rehoboam na anak ni Solomon. Palibhasa'y bata pa noon at walang karanasan si Rehoboam, kaya't wala siyang nagawa. “Ngayo'y ibig ninyong labanan ang kaharian ni Yahweh na ibinigay niya sa mga anak ni David, palibhasa'y marami kayo at mayroon kayong mga guyang ginto na ipinagawa ni Jeroboam para sambahin ninyo. Hindi ba't pinalayas ninyo ang mga pari ni Yahweh, ang mga anak ni Aaron at ang mga Levita? At gumaya kayo sa ibang mga bansa sa pagpili ng mga pari? Ngayon, sinumang lumapit na may dalang handog na isang batang toro at pitong lalaking tupa ay pinapayagan na ninyong maging pari ng mga diyus-diyosan. Ngunit para sa amin, si Yahweh pa rin ang aming Diyos at hindi namin siya itinakwil. Ang aming mga pari ay pawang mga anak ni Aaron at ang mga katulong nila sa paglilingkod kay Yahweh ay ang mga Levita. Araw-gabi ay nag-aalay sila kay Yahweh ng mga handog na susunugin at insenso. Nag-aalay sila ng handog na tinapay sa harapan niya sa ibabaw ng inihandang mesang yari sa lantay na ginto. At gabi-gabi'y nagsisindi sila ng mga ilawang nasa gintong patungan. Sinusunod namin ang utos ni Yahweh, subalit itinakwil ninyo siya. Kaya kasama namin siya sa labanang ito. Siya ang aming pinuno at kasama rin namin ang kanyang mga pari na dala ang kanilang mga trumpeta na handang hipan sa pakikipaglaban sa inyo. Bayang Israel, huwag ninyong kalabanin si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno, sapagkat hindi kayo magtatagumpay.” Nagsugo si Jeroboam ng pangkat sa likuran ng kalaban upang lihim na sumalakay roon. Samantala, ang karamihan ng hukbo niya ay kaharap ng hukbo ng Juda. Nang lumingon ang mga ito, nakita nilang may kalaban sila sa harapan at sa likuran. Humingi sila ng tulong kay Yahweh at hinipan ng mga pari ang kanilang mga trumpeta. Sumigaw ang hukbo ng Juda at sa sandaling iyon, tinalo ng Diyos si Jeroboam at ang buong hukbo ng Israel sa harap ni Abias at ng Juda. Tumakas ang hukbo ng Israel sa Juda at itinulot ng Diyos na masakop sila ng Juda. Nagtagumpay sina Abias. May 500,000 mahuhusay na kawal ng Israel ang napatay. Mula noon, ang Israel ay nasakop ng Juda. Ito'y dahil sa pagtitiwala ng Juda kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Tinugis ni Abias si Jeroboam, at nasakop niya ang mga lunsod ng Bethel, Jesana at Efron, pati ang mga nayon nito. Sa panahon ng paghahari ni Abias, hindi na nakabawi si Jeroboam hanggang sa patayin siya ni Yahweh. Naging makapangyarihan si Abias. Labing-apat ang kanyang asawa, at ang mga naging anak niya'y dalawampu't dalawang lalaki at labing-anim na babae. Ang iba pang ginawa at sinabi ni Abias ay nakasulat sa Kasaysayan ng propetang si Iddo. Namatay si Abias at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno sa Lunsod ni David. Humalili sa kanya bilang hari ang anak niyang si Asa. Sampung taon itong naghari at sa panahong iyon ay naging mapayapa ang Juda. Ginawa ni Asa ang mabuti at kalugud-lugod sa paningin ni Yahweh na kanyang Diyos. Ipinagiba niya ang mga altar ng mga diyus-diyosan at ang mga bahay-sambahan ng mga pagano; ibinuwal niya ang mga sinasambang haligi at winasak ang mga rebulto ng diyosang si Ashera. Iniutos niya sa mga taga-Juda na sumunod sa kagustuhan ni Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno at tuparin ang kanyang kautusan at mga tuntunin. Sapagkat ipinaalis niya ang mga bahay-sambahan ng mga pagano at ang mga altar ng insenso sa mga lunsod ng Juda, naging mapayapa ang kaharian sa ilalim ng kanyang pamamahala. Pinalagyan niya ng mga pader ang mga lunsod sa Juda. At sa loob ng ilang taon ay hindi sila nagkaroon ng digmaan sapagkat binigyan siya ni Yahweh ng kapayapaan. Sinabi niya sa mga taga-Juda, “Patibayin natin ang mga lunsod na ito at paligiran natin ng mga pader na may mga tore at matitibay na pintuan. Sarili natin ang lupain sapagkat umaasa tayo kay Yahweh na ating Diyos. Hinanap natin siya at sa lahat ng dako'y binigyan niya tayo ng katiwasayan.” Ganoon nga ang kanilang ginawa at sila'y naging maunlad. Ang hukbo ni Asa ay binubuo ng 300,000 kawal mula sa Juda, na may mga sandatang panangga at sibat, at ang 280,000 naman mula sa Benjamin, na may mga pana at panangga. Dumating ang panahon na nilusob sila ni Zera na isang taga-Etiopia. Ang hukbo nito na umabot hanggang sa Maresa ay binubuo ng isang milyong kawal at tatlong daang karwahe. Pagdating doo'y hinarap sila ng hukbo ni Asa at ang hanay ng labanan ay ang libis ng Sefata sa Maresa. Bago siya lumaban, nanalangin si Asa kay Yahweh na kanyang Diyos, “Wala kang katulad, O Yahweh, sa pagtulong maging sa malakas at mahina. Kaya tulungan ninyo kami, O Yahweh na aming Diyos, sapagkat sa inyo lamang kami umaasa. Sa inyong pangalan, nakaharap kami ngayon sa ganito karaming kaaway. O Yahweh, kayo ang aming Diyos; huwag ninyong hayaang matalo kayo ng tao.” Sa tulong ni Yahweh, natalo ni Asa ang mga taga-Etiopia at tumakas ang mga ito. Hinabol sila ni Asa at ng kanyang mga kawal hanggang Gerar. Sa tulong ni Yahweh, naubos ang kanilang mga kaaway, at napakarami nilang nasamsam. Winasak nila ang lahat ng lunsod sa palibot ng Gerar sapagkat pinagharian ng takot kay Yahweh ang mga mamamayan doon. Pinasok nila ang lahat ng lunsod at napakaraming nasamsam doon. Sinalakay din nila ang mga kampo ng mga pastol ng kawan at bumalik sila sa Jerusalem na dala ang napakaraming tupa at kamelyo. Si Azarias na anak ni Oded ay nilukuban ng Espiritu ng Diyos. Pinuntahan niya si Asa at sinabi, “Pakinggan mo ako, Asa, at kayong mga taga-Juda at Benjamin: Nasa panig ninyo si Yahweh habang kayo'y nasa panig niya. Matatagpuan ninyo siya kung siya'y inyong hahanapin, ngunit kung itatakwil ninyo siya, itatakwil din niya kayo. Matagal nang hindi sumasamba sa tunay na Diyos ang Israel, walang paring nagtuturo at wala ring kautusan. Ngunit nang dumating sila sa kagipitan, humingi sila ng tulong kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. Siya'y kanilang hinanap at kanilang natagpuan. Mapanganib noon ang maglakbay at mangalakal sapagkat magulo kahit saang lugar. Naglalaban-laban ang mga bansa, at ang mga lunsod sa kapwa lunsod, sapagkat ginugulo at pinahihirapan sila ng Diyos. Ngunit magpakatatag kayo at huwag masiraan ng loob. Gagantimpalaan kayo dahil sa inyong mga ginagawa.” Nang marinig ni Asa ang pahayag na ito ni Azarias na anak ni Oded, lumakas ang kanyang loob. Inalis ni Asa ang lahat ng kasuklam-suklam na diyus-diyosan sa buong Juda, sa Benjamin at sa lahat ng bayang nasakop niya sa Kaburulan ng Efraim. Ipinaayos niya ang altar ni Yahweh na nasa harap ng bulwagan ng Templo. Pagkatapos, tinipon niya ang mga taga-Juda at Benjamin at ang mga nanggaling sa Efraim, Manases at Simeon na nakikipanirahan sa kanila. Maraming taga-Israel ang sumama kay Asa nang malaman nilang kasama niya ang Diyos niyang si Yahweh. Naganap ang pagtitipong ito sa Jerusalem noong ikatlong buwan ng ikalabing limang taon ng paghahari ni Asa. Nang araw na iyon, naghandog sila kay Yahweh ng pitong daang toro at pitong libong tupa buhat sa mga nasamsam nila. Gumawa sila ng kasunduan na buong puso at kaluluwa nilang sasambahin si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, at papatayin ang sinumang hindi sasamba sa kanya, maging lalaki o babae, matanda o bata. Pasigaw na nanumpa sila kay Yahweh. Nagsigawan sila kasabay ng pag-ihip sa mga trumpeta at tambuli. Masayang-masaya ang buong Juda sa kanilang pagkakaisa sapagkat buong puso silang nangakong sasamba kay Yahweh. At ang kanilang masayang pagsamba ay tinanggap ni Yahweh; nalugod siya sa kanila kaya binigyan sila ni Yahweh ng kapayapaan sa lahat ng panig. Inalis ni Haring Asa sa pagiging inang-reyna ang lola niyang si Maaca sapagkat nagtayo ito ng malaswang rebulto ng diyosang si Ashera. Winasak niya iyon at sinunog sa Libis ng Kidron. Kahit hindi naalis ni Asa sa Israel ang lahat ng mga bahay-sambahan ng mga pagano, naging tapat siya kay Yahweh sa buong buhay niya. Dinala niya sa Templo ang lahat ng kagamitang yari sa pilak at ginto na inilaan niya at ng kanyang ama sa Diyos. Hindi nagkaroon ng digmaan sa loob ng tatlumpu't limang taóng paghahari ni Asa. Nang ikatatlumpu't anim na taon ng paghahari ni Asa, nilusob ni Haring Baasa ng Israel ang Juda. Pinalibutan niya ng pader ang Rama upang walang makaalis o kaya'y makapunta kay Asa sa Juda. Dahil dito, nakipag-ugnay si Asa kay Ben-hadad na hari ng Siria at nakatira sa Damasco. Nagpadala siya ng pilak at ginto na kinuha niya sa kabang-yaman ng Templo ni Yahweh at sa kanyang palasyo. Ganito ang sinabi niya, “Pinadadalhan kita ng pilak at ginto. Ibig kong magtulungan tayo tulad nang ginawa ng ating mga magulang. Sirain mo na ang kasunduan ninyo ni Baasa na hari ng Israel upang hindi na niya ako guluhin.” Sumang-ayon naman si Ben-hadad at pinasalakay niya ang mga pinuno ng kanyang hukbo sa mga lunsod ng Israel. Napasok ng mga ito ang Ijon, Dan, Abelmain at ang mga lunsod-imbakan sa Neftali. Nang mabalitaan ito ni Baasa, ipinatigil niya ang pagpapader sa Rama. Dahil dito, tinawag ni Haring Asa ang mga taga-Juda at ipinahakot ang lahat ng bato at kahoy na naiwan sa itinatayong pader at ginamit niya ang mga ito sa pagpapader sa Geba at Mizpa. Nagpunta noon kay Asa si Hanani na isang propeta at sinabi, “Dahil nagtiwala ka sa hari ng Siria, sa halip na kay Yahweh na iyong Diyos, natakasan ka ng hukbo ng hari ng Siria. Mas malaki ang mga hukbo ng mga taga-Etiopia at mga taga-Libya. Napakarami nilang karwahe at mga mangangabayo ngunit ibinigay sila sa iyo ni Yahweh sapagkat sa kanya ka nagtiwala. Nagmamasid si Yahweh sa buong daigdig upang tumulong sa lahat ng tapat sa kanya. Dahil sa kahangalan mong ito, mula ngayo'y lagi kang magkakaroon ng digmaan.” Sa sinabing ito, nagalit si Asa kay Hanani at ito'y ikinadena sa bilangguan. Mula noo'y naging malupit si Asa sa mga tao. Lahat ng ginawa ni Asa mula sa simula hanggang wakas ay nakatala sa Aklat ng Kasaysayan ng mga Hari ng Juda at Israel. Noong ikatatlumpu't siyam na taon ng kanyang paghahari, nagkaroon siya ng malubhang sakit sa paa. Sa halip na kay Yahweh humingi ng tulong, sa mga manggagamot siya sumangguni. Namatay siya nang ikaapatnapu't isang taon ng kanyang paghahari. Inilibing siya sa Lunsod ni David sa isang libingang yungib na ipinasadya niya para sa kanyang sarili. Inilagay siya sa isang kabaong na nilagyan ng lahat ng uri ng pabango. Bilang pagpaparangal sa kanya, gumawa ang mga tao ng napakalaking siga. Ang humalili kay Asa bilang hari ay ang anak niyang si Jehoshafat, at pinalakas nito ang kanyang paghahari laban sa Israel. Naglagay siya ng mga kawal sa lahat ng mga lunsod na may pader sa Juda at nagtayo ng mga kampo sa buong bansa, pati sa mga lunsod ng Efraim na nasakop ng kanyang amang si Asa. Pinatnubayan si Jehoshafat ni Yahweh sapagkat tinularan niya ang mabuting pamumuhay ng kanyang ama noong una. Hindi siya sumamba sa mga Baal. Nanalig siya sa patnubay ng Diyos ng kanyang ama. Sinunod niya ang Kautusan ng Diyos at hindi tinularan ang ginawa ng mga naging hari ng Israel. Kaya, pinatatag ni Yahweh ang kaharian ni Jehoshafat at ang buong Juda ay nagbuwis sa kanya. Nagkaroon siya ng maraming kayamanan at malaking karangalan. Masigla siyang naglingkod kay Yahweh. Inalis niya sa buong Juda ang mga bahay-sambahan ng mga pagano at ang mga rebulto ni Ashera. Nang ikatlong taon ng kanyang paghahari, inutusan niya ang kanyang mga opisyal na sina Benhayil, Obadias, Zacarias, Netanel, at Micaias na magturo sa mga lunsod ng Juda. Kasama rin nila ang mga Levitang sina Semaias, Netanias, Zebadias, Asahel, Semiramot, Jehonatan, Adonijas, Tobias, Tobadonijas at ang mga paring sina Elisama at Jehoram. Nagturo sila sa mga lunsod sa buong Juda na dala ang aklat ng Kautusan ni Yahweh. Ang mga kaharian sa palibot ng Juda ay pinagharian ng takot kay Yahweh kaya't hindi nila dinigma si Jehoshafat. Nagpadala sa kanya ng mga pilak ang mga Filisteo bilang buwis. Nagbigay naman ang mga Arabo ng pitong libo't pitong daang lalaking tupa at gayundin karaming kambing na lalaki. Lalong naging makapangyarihan si Jehoshafat. Pinaderan niya ang mga lunsod sa Juda at nagpatayo ng mga lunsod-imbakan. Napakarami ng kanyang inipong kayamanan sa mga lunsod ng Juda. Naglagay siya ng matatapang na kawal sa Jerusalem. Ganito ang kanilang mga pangkat ayon sa kanilang mga angkan—sa lipi ni Juda: tatlong daang libong kawal. Si Adna ang pinakamataas nilang pinuno. Pangalawa si Jehohanan na namahala sa pangkat na binubuo ng dalawandaan at walumpung libo. Ang pangatlo ay si Amazias na anak ni Zicri na kusang-loob na naghandog ng paglilingkod kay Yahweh. Ang pinamahalaan naman niya'y dalawandaang libong matatapang na kawal. Sa lipi ni Benjamin: si Eliada, isang mahusay na kawal, ang namahala sa pangkat na may dalawandaang libong may sandatang mga pana at panangga. Ang pangalawa sa kanya ay si Jehosabad na namahala naman sa sandaan at walumpung libong kawal na handa sa pakikipaglaban. Ang mga pangkat na ito ang naglingkod sa hari, bukod sa nakapuwesto sa mga may pader na lunsod sa buong Juda. Nang si Jehoshafat ay yumaman at naging tanyag, nakipagkaibigan siya kay Ahab. Ipinakasal ni Jehoshafat ang isang kabilang sa kanyang pamilya sa isang kabilang sa pamilya ni Ahab. Lumipas ang ilang taon at dinalaw niya si Ahab sa Samaria. Nagpapatay si Ahab ng maraming tupa at baka para sa kanyang mga panauhin. Sa pagkakataong iyon, hinikayat ni Ahab si Jehoshafat na salakayin nila ang Ramot-gilead. Nang tanungin ni Ahab na hari ng Israel si Jehoshafat na hari ng Juda tungkol dito, ganito ang sagot niya, “Handa ako at ang aking mga tauhan. Sasama kami sa inyo sa digmaan. Ngunit bago natin gawin ito, sumangguni muna tayo kay Yahweh.” Tinipon ng hari ng Israel ang apatnaraang propeta at tinanong kung dapat bang salakayin ang Ramot-gilead o hindi. “Sumalakay kayo,” ang nagkakaisang tugon nila, “ibibigay iyon ng Diyos sa inyong mga kamay.” Ngunit nagtanong si Jehoshafat kung wala na bang ibang propeta si Yahweh na maaari nilang mapagtanungan. Sumagot ang hari ng Israel, “Mayroon pang isa. Si Micaias na anak ni Imla. Kaya lang, galit ako sa taong iyon sapagkat wala na siyang mabuting propesiya tungkol sa akin, puro na lang masama.” “Huwag kayong magsalita nang ganyan, mahal na hari,” sabi ni Jehoshafat. Ipinatawag agad ng hari ng Israel ang isa sa mga opisyal niya upang ipasundo si Micaias. Nakaupo ang dalawang hari sa kani-kanilang trono sa gitna ng giikan sa may pintuan ng Samaria. Nakasuot sila ng mariringal na damit at nasa harapan nila ang mga propeta na nagpapahayag. Naroon din si Zedekias na anak ni Quenaana. May dala itong mga sungay na bakal na ginawa niya at ang sabi, “Ito ang sinasabi ni Yahweh: ‘Sa pamamagitan ng mga sungay na ito, maitataboy ninyo ang mga taga-Siria hanggang sa sila'y malipol.’” Ganito rin ang sinabi ng mga propetang naroon. Iisa ang payo nila, “Salakayin ninyo ang Ramot-gilead at magtatagumpay kayo, sapagkat ibibigay ito ni Yahweh sa kamay ng hari.” Samantala, nakita si Micaias ng sugo ng hari. Sinabi niya, “Ang ibang mga propeta'y nagkaisang magpahayag nang kasiya-siya sa hari. Makakabuting kasiya-siya rin ang ipahayag mo.” Ngunit sinabi ni Micaias, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy, kung ano ang sasabihin niya sa akin iyon din ang aking sasabihin.” Pagdating ni Micaias, tinanong siya ng hari, “Dapat ba o hindi dapat na salakayin namin ang Ramot-gilead?” Ang tugon niya, “Humayo kayo at magtagumpay. Tiyak na ibibigay sila ni Yahweh sa inyong mga kamay.” Ngunit sinabi ng hari, “Hanggang kailan ko ba sasabihin sa iyo na sa pangalan ni Yahweh ay pawang katotohanan lamang ang iyong sasabihin sa akin?” At sumagot si Micaias, “Nakita kong nagkawatak-watak ang hukbo ng Israel, Nagkalat sa kabundukan parang tupang walang pastol! Narinig kong sinabi ni Yahweh, ‘Sila'y walang tagapanguna kaya't pauwiin na silang mapayapa.’” Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Hindi ba't sinabi ko sa iyo na ang taong iyan ay walang mabuting propesiya tungkol sa akin, at puro na lang masama?” “Makinig kayo sa sinasabi ni Yahweh,” sabi ni Micaias. “Nakita kong nakaupo si Yahweh sa kanyang trono at ang buong hukbo ng kalangita'y nakahanay sa magkabilang tabi niya. Nagtanong si Yahweh, ‘Sino ang mag-uudyok kay Haring Ahab ng Israel na sumalakay upang mapatay siya sa Ramot-gilead?’ Isa't isa'y may kanyang sinasabi, hanggang may isang espiritu na tumayo sa harapan ni Yahweh at sinabi, ‘Ako ang mag-uudyok sa kanya.’ ‘Paano mo iyan gagawin?’ tanong ni Yahweh. ‘Pupunta ako at uudyukan kong magsinungaling ang lahat ng kanyang mga propeta,’ sagot niya. ‘Gawin mo iyan at magtatagumpay ka,’ sabi ni Yahweh. “Ipinahintulot ni Yahweh na magsinungaling sa iyo ang mga propeta mo. Subalit itinakda na niya na mapapahamak ka!” Lumapit si Zedekias kay Micaias at sinampal niya ito. Sinabi niya, “Kailan pa ako iniwan ng Espiritu ni Yahweh upang magsalita sa iyo?” “Malalaman mo rin iyon kapag nagtago ka na sa loob ng isang silid,” sagot ni Micaias. Iniutos ng hari ng Israel na dakpin si Micaias at ibigay sa kanyang anak na si Joas at kay Ammon na gobernador ng lunsod. “Ikulong ninyo siya at bigyan ng kaunting tinapay at tubig lamang hanggang makauwi akong ligtas,” sabi niya. “Kapag nakauwi kang ligtas, hindi nga ako kinausap ni Yahweh,” sagot naman ni Micaias. Sinabi pa niya, “Tandaan ninyo ang lahat ng sinabi ko.” Magkasamang lumusob sa Ramot-gilead ang hari ng Israel at si Jehoshafat na hari ng Juda. Sinabi ng hari ng Israel kay Jehoshafat, “Magbabalatkayo ako pagpunta sa labanan ngunit magsuot ka ng damit-hari.” Nakabalatkayo nga ang hari ng Israel na pumunta sa labanan. Iniutos ng hari ng Siria sa kanyang mga pinuno ng mga karwahe na ang hari ng Israel ang tutukan sa pagsalakay. Nang makita nila si Jehoshafat, inisip nilang ito ang hari ng Israel, kaya't dinaluhong nila ito. Nanalangin nang malakas kay Yahweh si Jehoshafat upang siya'y iligtas. Tinulungan naman siya ng Diyos na si Yahweh at itinaboy nito ang mga kaaway. Nang malaman ng mga pinunong nasa karwahe na hindi siya ang hari ng Israel, hindi na nila ito hinabol. Ngunit sinamang-palad naman ang hari ng Israel. Tinamaan siya ng isang ligaw na palaso buhat sa kaaway. Tumagos ang palaso sa pagitan ng kanyang baluti at siya'y nasugatan. Sinabi niya sa nagpapatakbo ng kanyang karwahe, “Umalis na tayo rito! Malubha ang tama ko.” Naging mahigpit ang labanan nang araw na iyon. Nanatiling nakasandal si Ahab sa kanyang karwahe na nakaharap sa mga taga-Siria. Paglubog ng araw ay namatay siya. Ligtas na nakabalik sa kanyang palasyo sa Jerusalem si Jehoshafat na hari ng Juda. Sinalubong siya ng propetang si Jehu, anak ni Hanani, at sinabi sa kanya, “Dapat mo bang tulungan ang masasama at kumampi sa mga napopoot kay Yahweh? Sa ginawa mong ito ay ginalit mo si Yahweh. Gayunma'y hindi ka naman lubos na masama sapagkat inalis mo sa lupain ang mga rebulto ng diyus-diyosang si Ashera at sinikap mo ring sumunod sa Diyos.” Kahit na sa Jerusalem nakatira si Jehoshafat, pumupunta siya sa Beer-seba hanggang sa kaburulan ng Efraim upang hikayatin ang mga tao na magbalik-loob kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Naglagay siya ng mga hukom sa buong lupain, isa sa bawat may pader na lunsod ng Juda. Sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat kayo sa paghatol sapagkat humahatol kayo para kay Yahweh at hindi para sa tao. Kasama ninyo siya sa inyong paghatol. Igalang at sundin ninyo si Yahweh. Mag-ingat kayo sa paghatol sapagkat hindi pinahihintulutan ng Diyos nating si Yahweh ang pandaraya, ang pagkiling sa sinuman at ang pagtanggap ng suhol.” Naglagay rin si Jehoshafat sa Jerusalem ng mga hukom na binubuo ng mga Levita, mga pari at mga pinuno ng mga angkan ng Israel. Pinili niya ang mga ito upang humatol sa mga usapin ukol sa paglabag sa mga kautusan ni Yahweh at sa mabibigat na usapin ng mga taong-bayan. Sinabi niya sa kanila, “Gampanan ninyo ang inyong tungkulin nang may takot kay Yahweh nang buong puso, at nang buong katapatan. Kapag ang inyong mga kapatid mula sa ibang lunsod ay nagsampa sa inyo ng usaping may kinalaman sa pagpatay ng tao o anumang paglabag sa kautusan, pangaralan ninyo silang mabuti upang hindi sila magkasala sa harap ni Yahweh. Sa ganitong paraan, hindi magagalit si Yahweh sa inyo at sa kanila. Sa mga bagay na nauukol kay Yahweh, si Amarias na pinakapunong pari ang mamumuno sa paglilitis. Sa mga bagay namang nauukol sa hari, si Zebadias na anak ni Ismael at pinuno ng angkan ni Juda ang mamumuno. Ang mga Levita naman ang magiging mga tagapagpatupad ng hatol. Magpakatatag kayo sa inyong paghatol at pagpalain nawa ni Yahweh ang mga matuwid.” Dumating ang panahon na nilusob ng mga Moabita, Ammonita at ilang Meunita si Jehoshafat. Nabalitaan niya na isang malaking pangkat mula sa Edom ang sumasalakay sa ibayo ng lawa at nasa Hazazon-tamar, na tinatawag ding En-gedi. Nabahala si Jehoshafat at humingi siya ng patnubay kay Yahweh. Iniutos niya na mag-ayuno ang lahat ng mamamayan ng Juda. Nagtipun-tipon ang buong Juda upang humingi ng tulong kay Yahweh. Dumating sila buhat sa iba't ibang lunsod. Tumayo si Jehoshafat sa harap ng mga taga-Juda at Jerusalem na nagtitipon sa bagong bulwagan ng Templo. Nanalangin siya: “O Yahweh, Diyos ng aming mga ninuno at ng buong kalangitan, kayo po ang namamahala sa lahat ng bansa at ikaw ang may lubos na kapangyarihan. Kaya walang maaaring lumaban sa inyo. O Diyos namin, ikaw ang nagpalayas sa mga tagarito upang ibigay ang lupaing ito sa bayan mong Israel magpakailanman. Ginawa ninyo iyon ayon sa inyong pangako kay Abraham na inyong kaibigan. Dito nga sila tumira at itinayo nila ang Templong ito upang dito kayo sambahin. Sabi nila, ‘Kung may masamang mangyari sa amin tulad ng digmaan, baha, salot o taggutom, haharap kami sa Templong ito upang humingi ng tulong sa inyo sapagkat dito kayo sinasamba. Tatawag kami sa inyo, papakinggan ninyo kami at ililigtas sa panahon ng aming kagipitan.’ “Ngayo'y sinasalakay kami ng mga kawal mula sa Ammon, Moab at sa kaburulan ng Edom, mga lugar na hindi ninyo ipinahintulot na pasukin ng mga Israelita nang umalis sila sa Egipto, kaya sila'y hindi nawasak. Ngayo'y ito po ang iginanti nila sa amin! Sinalakay nila kami at nais palayasin sa lupaing ito na ipinamana ninyo sa amin. Ikaw po ang Diyos namin, parusahan ninyo sila. Hindi namin kayang labanan ang ganito karaming hukbo. Hindi po namin alam ang aming gagawin. Sa inyo lamang kami umaasa.” Samantala, lahat ng kalalakihan ng Juda kasama ang kanilang mga asawa't anak ay dumulog kay Yahweh. Ang Espiritu ni Yahweh ay lumukob kay Jahaziel na anak ni Zacarias. Apo siya ni Benaias na anak ni Jeiel na apo naman ni Matanias, isa sa mga Levitang anak ni Asaf. Sinabi niya, “Makinig kayo, Haring Jehoshafat, at kayong mga taga-Juda at Jerusalem. Ganito ang sinasabi sa inyo ni Yahweh: ‘Huwag kayong matakot ni masiraan ng loob dahil sa maraming kaaway. Ang Diyos ang makikipaglaban at hindi kayo. Harapin ninyo sila bukas sapagkat aahon sila sa Ziz. Makakasagupa ninyo sila sa may dulo ng libis sa silangan ng ilang ng Jeruel. Hindi na kayo kailangang lumaban. Manatili na lamang kayo sa inyong kinatatayuan at maghintay. Makikita ninyo ang pagtatagumpay ni Yahweh para sa inyo.’ Kaya hindi kayo dapat matakot ni masiraan ng loob. Harapin ninyo sila bukas sapagkat si Yahweh ang kasama ninyo!” Si Jehoshafat at ang buong Juda at ang mga mamamayan ng Jerusalem ay nagpatirapa at sumamba kay Yahweh. Tumayo naman ang mga Levita sa angkan ni Kohat at Korah at sa napakalakas na tinig ay nagpuri sila kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. Kinabukasan, maaga silang lumabas patungo sa ilang ng Tekoa. Ngunit bago sila umalis, sinabi sa kanila ni Jehoshafat, “Makinig kayo, mga taga-Juda at Jerusalem. Magtiwala kayo sa Diyos ninyong si Yahweh at magiging matatag kayo. Maniwala kayo sa kanyang mga propeta at magtatagumpay kayo.” Matapos niyang paalalahanan ang mga tao, pumili siya ng mga mang-aawit na magpupuri kay Yahweh dahil sa kanyang kahanga-hangang kabanalan. Inilagay niya ang mga ito sa unahan ng hukbo at habang daa'y umaawit: “Purihin si Yahweh, pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.” Nang marinig ng mga kaaway ang awitan, ginulo sila ni Yahweh. Dahil dito, sila-sila ang nagkagulo. Ang sinalakay ng mga Ammonita at Moabita ay ang kasama nilang taga-Edom, at nilipol nila ang mga ito. Pagkatapos, sila-sila ang nagpatayan. Umakyat ang mga taga-Juda sa tore na nasa disyerto at nagmanman sa mga kaaway. Wala silang nakitang nakatakas. Lahat ay patay na nakahandusay sa lupa. Napakaraming nasamsam ni Jehoshafat at ng kanyang mga kasama. Halos hindi nila madala ang nasamsam nilang kawan, mga kagamitan, damit at maraming mahahalagang bagay. Tatlong araw nila itong hinakot ngunit sa sobrang dami ay hindi nila nakuhang lahat. Nang ikaapat na araw, nagtipon sila sa isang libis at nagpuri kay Yahweh. Kaya, simula noo'y tinawag na Libis ng Beraca ang lugar na iyon. Sa pangunguna ni Jehoshafat, umuwi na ang lahat ng mga taga-Juda at Jerusalem. Tuwang-tuwa sila dahil sa tagumpay na ipinagkaloob sa kanila ni Yahweh. Pagdating nila sa Jerusalem ay tumuloy sila sa Templo, kasabay ng tugtog ng mga alpa, lira at trumpeta. Mula noon, ang lahat ng kaharian at bansa ay natakot nang malaman nila kung paano tinalo ni Yahweh ang mga kaaway ng Israel. Naging tahimik ang buong nasasakupan ni Jehoshafat, at binigyan siya ng Diyos ng kapayapaan sa buong kaharian. Tatlumpu't limang taóng gulang si Jehoshafat nang magsimula siyang maghari, at namahala siya sa Jerusalem sa loob ng dalawampu't limang taon. Ang ina niya'y si Azuba na anak ni Silhi. Tulad ng kanyang amang si Asa, ginawa niya ang mabuti sa paningin ni Yahweh. Gayunman, nanatili pa rin ang mga dambana ng mga pagano. Hindi pa lubusang nanumbalik ang mga tao sa Diyos ng kanilang mga ninuno. Ang iba pang ginawa ni Jehoshafat buhat sa simula hanggang wakas ay nakasulat sa Kasaysayan ni Jehu na Anak ni Hanani na bahagi ng Aklat ng Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Dumating ang panahong si Jehoshafat ay nakipagkasundo kay Ahazias, isang masamang hari ng Israel. Nagkaisa silang magpagawa ng mga malalaking barko sa Ezion-geber. Sa ginawang ito, sinabi ni Eliezer, anak ni Dodavahu na taga-Maresa, laban kay Jehoshafat, “Dahil sa pakikiisa mo kay Ahazias, wawasakin ni Yahweh ang lahat ng ginawa mo.” At lahat nang mga barkong ipinagawa nila ay winasak ng bagyo at hindi nakaalis. Namatay si Jehoshafat at inilibing sa Lunsod ni David sa libingan ng kanyang mga ninuno. Pumalit sa kanya ang kanyang anak na si Jehoram. Ang iba pang mga anak na lalaki ni Haring Jehoshafat ng Juda ay sina Azarias, Jehiel, Zacarias, Azarias, Micael at Sefatias. Pinamanahan sila ng kanilang ama ng maraming pilak, ginto at iba pang mahahalagang ari-arian. Binigyan din sila ng mga may pader na lunsod sa Juda, ngunit kay Jehoram ibinigay ang paghahari sapagkat siya ang panganay. Nang matatag na ang paghahari ni Jehoram, pinatay niya ang kanyang mga kapatid at ang ilan pang pinuno sa Juda. Tatlumpu't dalawang taon siya nang magsimulang maghari at walong taóng namahala sa Juda. Sa Jerusalem siya nanirahan. Sapagkat napangasawa niya ang anak ni Ahab, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Nagpakasama rin siya tulad ng mga naging hari ng Israel, tulad ng sambahayan ni Ahab. Ngunit ayaw wasakin ni Yahweh ang paghahari ng angkan ni David alang-alang sa kanyang pangako kay David. Ipinangako ni Yahweh na ang paghahari ay hindi niya aalisin sa angkan ni David magpakailanman. Nang panahon ng pamamahala ni Jehoram, naghimagsik ang Edom laban sa Juda at naglagay ng sariling hari. Inilabas ni Jehoram at ng kanyang mga pinuno ang lahat nilang karwahe at sinalakay ang Edom. Gabi nang sila'y sumalakay, ngunit napaligiran sila at natalo. Kaya mula noon, hindi na muling nasakop ng Juda ang Edom. Naghimagsik din kay Jehoram ng Juda ang Lunsod ng Libna dahil sa pagtalikod nito kay Yahweh, ang Diyos ng kanyang mga ninuno. Hindi lamang iyon, nagtayo pa siya ng mga sambahan ng mga pagano sa mga burol ng Juda at nanguna sa mga taga-Jerusalem sa pagsamba sa mga diyus-diyosan. Siya ang nanguna sa mga taga-Juda para gumawa ng kasamaan. Tumanggap si Jehoram ng isang sulat mula kay Elias na isang propeta. Ang sabi sa liham: “Ito ang mensahe ni Yahweh, ang Diyos ni David na iyong ama, ‘Hindi mo sinundan ang halimbawa ng iyong amang si Jehoshafat at ni Asa na hari sa Juda. Sa halip, ang sinunod mo'y ang ginawa ng mga hari sa Israel. Inakit mo sa masamang gawain ang Juda at ang mga taga-Jerusalem gaya ng ginawa sa Israel ng sambahayan ni Ahab. Pinatay mo ang iyong mga kapatid at kasambahay na mas mabuti kaysa iyo. Dahil dito, paparusahan ni Yahweh ang iyong bayan, ang iyong mga asawa't anak, at mawawasak ang lahat ng mga ari-arian mo. Magkakasakit ka nang malubha at luluwa ang mga bituka mo sa tindi ng hirap na daranasin mo sa araw-araw.’” Ginamit ni Yahweh ang mga Filisteo at ang mga Arabong malapit sa Etiopia laban kay Jehoram. Kaya't nilusob ng mga ito ang Juda at sinamsam lahat ang ari-arian sa palasyo. Binihag nila ang lahat ng anak at asawa ng hari, maliban sa kanyang bunsong anak na lalaking si Ahazias. Pagkatapos niyon, si Jehoram ay pinadapuan ni Yahweh ng malubhang sakit sa bituka, isang karamdamang walang lunas. Makalipas ang dalawang taon, lumuwa ang kanyang bituka at dumanas siya ng matinding hirap hanggang sa siya'y mamatay. Hindi man lamang siya ipinagluksa ng kanyang mga kababayan; di tulad ng ginawa nila sa kanyang mga ninuno. Si Jehoram ay tatlumpu't dalawang taon nang magsimulang maghari, at walong taon siyang namahala. Wala isa mang nalungkot sa kanyang pagkamatay. Doon siya inilibing sa Lunsod ni David ngunit hindi isinama sa libingan ng mga hari. Pagkamatay ni Jehoram, ang bunsong anak nitong si Ahazias ang iniluklok ng mga taga-Jerusalem upang maging hari. Ang ibang mga kapatid niya ay napatay ng pangkat na sumalakay sa Juda kasama ng mga Arabo, kaya siya ang ginawang hari ng Juda. Apatnapu't dalawang taon na si Ahazias nang magsimulang maghari at isang taon siyang namahala sa Juda. Sa Jerusalem siya nanirahan. Ang ina niya'y si Atalia na apo ni Omri. Sinunod din ni Ahazias ang gawain ng mga hari sa Israel sapagkat ang kanyang ina ang naging tagapayo niya sa paggawa ng masama. Tulad sa angkan ni Ahab, hindi nalugod si Yahweh sa ginawa niya sapagkat ang mga ito ang naging tagapayo niya pagkamatay ng kanyang ama. At ito ang dahilan ng kanyang pagbagsak. Ang mga ito rin ang sinunod niya nang sumama siya kay Joram na anak ni Haring Ahab ng Israel upang labanan sa Ramot-gilead si Hazael na hari ng Siria. Sa labanang iyon nasugatan si Joram. Dahil sa nangyaring ito, ibinalik siya sa Jezreel upang doon magpagaling ng mga sugat. Doon siya dinalaw ni Ahazias. Kalooban ng Diyos na ang pagdalaw niyang ito ang maging pagkakataon para siya bumagsak. Sumama siya kay Joram upang makipagkita kay Jehu na anak ni Namsi. Si Jehu ang pinili ni Yahweh upang lipulin ang sambahayan ni Ahab. Sa pagsasakatuparan nito, natagpuan niya ang mga pinuno ng Juda at ang mga pamangkin ni Ahazias na naglilingkod dito. Kaya't pinagpapatay niya ang mga ito. Ipinahanap nila si Ahazias at natagpuan ito sa Samaria. Dinala nila ito kay Jehu at kanyang ipinapatay. Ipinalibing niya ito at ang sabi, “Apo ito ni Jehoshafat na tapat na naglingkod kay Yahweh.” Walang natira sa sambahayan ni Ahazias na may kakayahang maghari sa Juda. Nang malaman ni Atalia na ang anak niyang si Ahazias ay patay na, pinagpapatay rin niya ang sambahayan ng hari ng Juda. Ngunit naitakas ni Jehosabet ang anak ni Ahazias na si Joas. Itinago niya ito sa isang silid-tulugan sa Templo kasama ng tagapag-alaga. Sa ganoong paraan iniligtas ni Jehosabet ang kanyang pamangking si Joas. Si Jehosabet ay asawa ng paring si Joiada at kapatid ni Ahazias sapagkat sila'y anak ni Haring Jehoram. Si Joas ay itinago niya sa Templo kaya hindi napatay. Anim na taon siya roon, sa buong panahong namamahala si Atalia bilang reyna. Noong ikapitong taon, naglakas-loob si Joiada na makipagkasundo sa mga pinuno ng hukbo na sina Azarias na anak ni Jeroham, Ismael na anak ni Jehohanan, Azarias na anak ni Obed, Maasias na anak ni Adaya at Elisafat na anak ni Zicri. Mga pinuno sila ng mga pangkat na daan-daan. Nilibot nila ang buong Juda at tinipon sa Jerusalem ang lahat ng Levita mula sa mga lunsod at ang mga pinuno ng mga angkan ng Israel. Nagtipun-tipon sila sa bulwagan ng Templo ng Diyos at nanumpa ng katapatan sa hari. Sinabi sa kanila ni Joiada: “Narito ang anak ng yumaong hari! Dapat siyang maghari ayon sa pangako ni Yahweh tungkol sa mga anak ni David. Ito ang inyong gagawin: Ang ikatlong bahagi ng mga pari at Levita na naglilingkod kung Araw ng Pamamahinga ay magbabantay sa mga pintuan, ang isa pang ikatlo'y sa palasyo at ang natirang ikatlo'y doon naman sa Pintong Saligan. Ang buong bayan naman ay maghihintay sa mga bulwagan ng Templo ni Yahweh. Walang papasok sa Templo kundi ang mga pari at mga Levitang naglilingkod. Sila lamang ang makakapasok sapagkat sila lamang ang itinalaga ng Diyos para dito. Subalit ang mga taong-bayan ay maghihintay sa labas gaya nang ipinag-uutos ni Yahweh. Sa palibot ng hari'y magbabantay ang mga Levita na ang bawat isa'y may sandata. Papatayin ang sinumang mangahas pumasok sa Templo. Huwag ninyong hihiwalayan ang hari.” Sinunod ng mga Levita at ng mga mamamayan ng Juda ang lahat ng utos ng paring si Joiada. Ang bawat pinuno ay laging kasama ng kanyang mga tauhan pati ang pangkat na pamalit o papalitan sa Araw ng Pamamahinga sapagkat sila'y hindi pinapauwi ni Joiada. Ibinigay niya sa mga pinuno ng hukbo ang mga sibat at ang malalaki at maliliit na panangga ni Haring David na nakatago sa Templo. May sandata ang bawat isa at ang lahat ay nakabantay sa bawat sulok mula sa timog hanggang hilaga ng palasyo at sa palibot ng altar sa harapan ng Templo. Nang maisagawa na ang lahat ng ito, inilabas ni Joiada ang anak ng hari at pinutungan ng korona. Ibinigay sa kanya ang isang kopya ng kasulatan tungkol sa paghahari at ipinahayag siyang hari. Lumapit si Joiada at ang kanyang mga anak at pinahiran siya ng langis. Nagsigawan ang lahat, “Mabuhay ang hari!” Nang marinig ni Atalia ang ingay ng mga taong nagbubunyi sa hari, pumunta siya sa Templo. Nakita niyang nakatayo ang hari sa may haligi sa may pintuan ng Templo. Lahat ay masayang umaawit at may tumutugtog ng trumpeta at ng iba pang mga instrumento. Pinunit ni Atalia ang kanyang kasuotan at sumigaw, “Ito'y isang kataksilan!” “Ilabas ang babaing iyan!” utos ni Joiada sa mga pinuno ng hukbo. “Patayin ang sinumang magtangkang magligtas sa kanya. Huwag ninyo siyang patayin sa loob ng Templo ni Yahweh.” Dinakip nila si Atalia at dinala sa palasyo sa may pintong daanan ng mga kabayo. Doon nila siya pinatay. Pagkatapos, nakipagkasunduan si Joiada sa mga tao at sa hari na sila'y magiging sambayanan ni Yahweh. Nagkaisa ang lahat na wasakin ang Templo ni Baal kaya't dinurog nila ang mga altar at ang mga rebultong naroon. Pinatay nila sa harap ng mga altar si Matan, ang pari ni Baal. Naglagay si Joiada ng mga tagapagbantay sa Templo, sa ilalim ng pamamahala ng mga pari at ng mga Levita na inilagay ni David sa tungkuling iyon. Sila ang mag-aalay ng mga handog na susunugin ayon sa nakasulat sa Kautusan ni Moises. Sila rin ang mamamahala sa awitan at sa pagdiriwang ayon sa kaayusang ginawa ni David. Pinabantayan ni Joiada ang lahat ng pintuan ng Templo para hindi makapasok ang sinumang itinuturing na marumi. Pagkatapos, tinawag niya ang mga pinuno ng bawat pangkat na daan-daan, ang mga pangunahing mamamayan, mga pinuno ng bayan at ang lahat ng mamamayan sa lupain. Inihatid nila ang hari mula sa Templo patungo sa palasyo. Dumaan sila sa malaking pintuan at kanilang pinaupo sa trono ang hari. Nagdiwang ang lahat ng tao sa buong lupain. Naging tahimik ang lunsod nang mapatay si Atalia. Pitong taóng gulang si Joas nang siya'y maging hari at apatnapung taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Sibias na taga-Beer-seba. Kalugud-lugod sa paningin ni Yahweh ang lahat ng ginawa niya habang nabubuhay ang paring si Joiada. Ikinuha ni Joiada si Joas ng dalawang asawa at nagkaroon siya sa mga ito ng maraming anak na lalaki at babae. Hindi nagtagal, ipinasya ni Joas na ipaayos ang mga sira sa Templo ni Yahweh. Kaya ipinatawag niya ang mga pari at ang mga Levita. Iniutos niya sa mga ito: “Libutin ninyo ang mga lunsod ng Juda at pagbayarin ninyo ang mga tao ng buwis para sa taunang pagpapaayos ng Templo ng inyong Diyos. Gawin ninyo ito sa lalong madaling panahon.” Ngunit hindi agad kumilos ang mga Levita. Dahil dito, tinawag ng hari ang pinuno ng mga pari na si Joiada. Sinabi ng hari sa kanya, “Ano ba ang ginagawa mo at hanggang ngayon ay wala pang nalilikom na buwis ang mga Levita mula sa mga taga-Juda at taga-Jerusalem? Ang buwis na iyan ay ipinag-utos sa Israel ni Moises na lingkod ni Yahweh para sa Toldang Tipanan.” Ang Templo ng Diyos ay pinasok ng mga anak ng masamang babaing si Atalia. Kinuha nila ang lahat ng kayamanan at kasangkapan doon at ginamit pa sa pagsamba kay Baal. Iniutos ng hari na gumawa ng isang kaban at ilagay ito sa may pasukan ng Templo. At ipinahayag niya sa buong Juda at Jerusalem na dalhin ang kanilang buwis para kay Yahweh gaya nang utos ni Moises noong sila'y nasa ilang. Nagalak ang mga tao at ang kanilang mga pinuno, at naghulog sila ng kani-kanilang buwis sa kaban hanggang sa mapuno ito. Dinadala naman ito ng mga Levita sa mga kagawad ng hari at ang laman nito ay kinukuha ng kalihim ng hari at ng kanang-kamay ng pinakapunong pari. Pagkatapos, ibinabalik uli ang kaban sa may pasukan ng Templo. Ganito ang ginagawa nila araw-araw kaya't nakalikom sila ng malaking halaga. Ang nalilikom nilang salapi ay ipinagkakatiwala naman ng hari at ni Joiada sa mga namamahala sa pagpapagawa ng Templo. Umupa sila ng mga kantero, mga karpintero at mga panday ng bakal at ng tanso upang magkumpuni ng mga sira sa Templo. Nagtrabaho nang mabuti ang mga manggagawa. Ibinalik nila sa dating kalagayan ang Templo ng Diyos at pinatibay pa ito. Ibinalik nila sa hari at kay Joiada ang natirang salapi at ipinagpagawa naman ito ng mga kagamitan sa Templo. Gumawa sila ng kasangkapang gamit sa paglilingkod at handog na susunugin, mga lalagyan ng insenso at iba pang mga sisidlang ginto at pilak. Patuloy silang naghahandog ng mga haing susunugin sa Templo ni Yahweh habang nabubuhay pa si Joiada. Tumanda si Joiada at umabot sa sandaan at tatlumpung taóng gulang bago siya namatay. Inilibing siya sa libingan ng mga hari sa Lunsod ni David sapagkat naging mabuti siya sa Israel, sa Diyos at sa Templo nito. Pagkamatay ni Joiada, ang mga pinuno ng Juda ay nagbigay-galang sa hari at sila na ang pinapakinggan ng hari. At pinabayaan nila ang Templo ni Yahweh na Diyos ng kanilang mga ninuno. Sa halip, sumamba sila sa mga Ashera at sa mga diyus-diyosan. Dahil dito, nagalit ang Diyos at pinarusahan ang mga taga-Juda at ang mga taga-Jerusalem. Gayunma'y nagsugo si Yahweh ng mga propeta upang ang mga tao'y magbalik-loob sa kanya. Ngunit hindi sila nakinig sa mga ito. Dahil dito, lumukob ang Espiritu ng Diyos kay Zacarias na anak ng paring si Joiada. Tumayo siya sa harap ng bayan. Sinabi niya, “Ito ang sinabi ng Diyos: ‘Bakit ninyo nilalabag ang mga utos ni Yahweh? Bakit ninyo ipinapahamak ang inyong mga sarili. Sapagkat itinakwil ninyo siya, itinakwil din niya kayo!’” Ngunit nagsabwatan ang mga tao laban sa kanya. At sa utos ng hari, binato nila si Zacarias hanggang sa mamatay. Naganap ito sa bulwagan ng Templo ni Yahweh. Kinalimutan ni Haring Joas ang kagandahang-loob sa kanya ni Joiada na ama ni Zacarias. Bago namatay si Zacarias, ganito ang kanyang sinabi, “Makita sana ni Yahweh ang ginagawa ninyong ito at parusahan niya kayo!” Nang patapos na ang taóng iyon, si Joas ay sinalakay ng hukbo ng Siria. Pinasok ng mga ito ang Juda at Jerusalem at pinatay ang mga pinuno ng bayan. Lahat ng sinamsam nila'y ipinadala sa hari sa Damasco. Maliit man ang hukbo ng Siria ay nagtagumpay sila laban sa malaking hukbo ng Juda sapagkat itinakwil nito si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Sa ganitong paraan pinarusahan si Joas. Iniwan ng hukbong Siria si Joas na may malubhang sugat. Ngunit pagkaalis nila, nagkaisa ang mga lingkod ng hari na ipaghiganti ang pagkamatay ng anak ng paring si Joiada. Kaya pinatay nila si Joas sa kanyang higaan. Siya'y inilibing nila sa Lunsod ni David ngunit hindi sa libingan ng mga hari. Ang mga kasama sa pagpatay sa kanya ay si Sabad na anak ni Simeat na isang Ammonita at si Jehosabad na anak ni Simrit na isang Moabita. Ang mga kasaysayan tungkol sa kanyang mga anak, mga propesiya laban sa kanya at ang kanyang muling pagtatayo sa Templo ay nakasulat sa Paliwanag sa Aklat ng mga Hari. Pumalit sa kanya bilang hari ang anak niyang si Amazias. Dalawampu't limang taon si Amazias nang siya'y maging hari at dalawampu't siyam na taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Jehoadan na taga-Jerusalem. Naging kalugud-lugod kay Yahweh ang kanyang mga ginawa, ngunit hindi niya ginawa ang mga ito nang buong puso. Nang matatag na siya sa kanyang paghahari, ipinapatay niya ang mga tauhan niya na pumatay sa kanyang amang hari. Ngunit hindi niya pinatay ang kanilang mga anak alinsunod sa utos ni Yahweh na nasa aklat ni Moises na ganito ang sinasabi, “Hindi dapat parusahan ng kamatayan ang mga magulang dahil sa krimeng nagawa ng mga anak ni ang mga anak dahil sa krimeng nagawa ng mga magulang. Ang mismong may sala lamang ang siyang dapat patayin.” Pagkatapos, tinipon ni Amazias ang mga lalaki sa Juda at pinagpangkat-pangkat ayon sa kani-kanilang angkan. Ginawa rin niya ito sa lipi ni Benjamin. Bumuo siya ng mga pangkat na libu-libo at ng mga daan-daan. Nilagyan niya ang mga ito ng kanya-kanyang pinuno. Pagkatapos, ibinukod niya ang mga kabataang may dalawampung taon ang gulang pataas at nakatipon siya ng tatlong daang libo. Lahat ng ito'y handang makipagdigma at sanay humawak ng panangga at sibat. Kumuha pa siya sa Israel ng 100,000 matatapang na kawal at inupahan niya ang mga ito ng 3,500 kilong pilak. Ngunit may isang lingkod ng Diyos na nagpayo sa kanya ng ganito: “Mahal na hari, huwag po ninyong isasama ang hukbo ng Israel sa inyong pagsalakay sapagkat hindi na po pinapatnubayan ni Yahweh ang mga Efraimitang iyon! Maaaring iniisip ninyo na palalakasin nila kayo sa digmaan. Ngunit ang Diyos ang nagbibigay ng tagumpay o pagkatalo. Ipapatalo niya kayo sa inyong mga kaaway.” Sinabi ni Amazias sa propeta, “Ngunit paano naman ang mga pilak na naibayad ko na sa kanila?” Sumagot ang propeta ng Diyos, “Higit pa riyan ang maibibigay sa inyo ni Yahweh.” Pinauwi na nga ni Amazias ang mga kawal na mula sa Efraim. Dahil dito, lubha silang nagdamdam at umuwing galit na galit sa mga taga-Juda. Lumakas ang loob ni Amazias at sumalakay sila sa Libis ng Asin at may sampung libong mga kawal ng Edom ang kanilang napatay. Ang sampung libo pa na kanilang nabihag ay dinala nila sa itaas ng bangin at inihulog mula roon kaya namatay ang mga itong bali-bali ang mga buto. Ang mga kawal naman ng Israel na pinauwi ni Amazias ay sumalakay sa Juda mula sa Samaria hanggang Beth-horon. Pinagpapatay nila ang tatlong libong mamamayan doon at nag-uwi pa ng maraming samsam. Pagkatapos nilang malupig ang mga Edomita, kinuha ni Amazias ang mga diyus-diyosan ng mga ito at dinala sa Jerusalem. Kinilala niyang diyos ang mga iyon, sinamba at hinandugan. Ikinagalit ito ni Yahweh, kaya sinugo niya ang isang propeta at sinabi kay Amazias, “Bakit ka sumamba sa mga diyos ng ibang bansa na hindi nakapagligtas sa kanilang sariling bayan mula sa iyong kapangyarihan?” Nagsasalita pa ito'y sinabi na sa kanya ng hari, “Kailan pa kita ginawang tagapayo ko? Tumigil ka kung ayaw mong mamatay.” Bago tumahimik ang propeta sinabi muna niya ito: “Alam kong pupuksain ka ng Diyos dahil sa ginawa mong ito at dahil hindi ka nakinig sa aking payo.” Si Amazias na hari ng Juda ay nakipagpulong sa kanyang mga tagapayo. Pagkatapos, nagpadala siya ng mensahe kay Joas na hari ng Israel, na anak ni Joahaz at apo ni Jehu. Hinamon niya ito ng labanan. Ito naman ang sagot ni Joas na hari ng Israel: “Ang dawag sa Lebanon ay nagpadala ng sugo sa sedar ng Lebanon upang sabihin, ‘Ang anak mong dalaga'y ipakasal mo sa aking anak.’ Ngunit may dumaang mabangis na hayop mula sa Lebanon at tinapakan ang dawag. Sinasabi mong natalo mo ang Edom at ipinagmalaki mo iyon! Mabuti pa'y tumigil ka na sa bahay mo! Bakit lumilikha ka ng gulo na ikapapahamak mo at ng iyong bayan?” Ngunit hindi ito pinansin ni Amazias sapagkat kalooban ng Diyos na mahulog sa kamay ni Joas ang Juda, bilang parusa sa pagsamba ni Amazias sa mga diyus-diyosan ng Edom. Nagharap sa labanan si Haring Joas ng Israel at si Haring Amazias ng Juda, sa Beth-semes na sakop ng Juda. Natalo ng Israel ang Juda at ang mga kawal nito'y tumakas pauwi. Ngunit nabihag ni Haring Joas si Haring Amazias at dinala ito sa Jerusalem. Winasak ni Joas ang pader ng lunsod mula sa Pintuang Efraim hanggang sa Pintuan sa Sulok, mga 180 metro ang haba. Sinamsam niya ang lahat ng ginto at pilak at mga kagamitan sa Templo ng Diyos na nasa pag-iingat ng mga anak ni Obed-Edom. Sinamsam din niya ang mga kayamanan sa palasyo at nagdala pa siya sa Samaria ng mga bihag. Labinlimang taon pang nabuhay si Haring Amazias ng Juda mula nang mamatay si Haring Joas ng Israel. Ang iba pang mga ginawa ni Amazias mula sa pasimula hanggang sa wakas ng kanyang paghahari ay nakasulat sa Aklat ng mga Hari ng Juda at Israel. Mula nang sumuway siya kay Yahweh, nagkaroon ng sabwatan sa Jerusalem laban sa kanya kaya't tumakas siya patungong Laquis, ngunit sinundan siya roon at pinatay. Ang kanyang bangkay ay isinakay sa kabayo at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno sa Lunsod ni David. Ginawang hari ng buong Juda si Uzias sa gulang na labing-anim bilang kahalili ng namatay niyang amang si Amazias. Sa panahon ng kanyang paghahari, nabawi niya ang lunsod ng Elat at muli itong itinatag para sa Juda. Labing-anim na taóng gulang si Uzias nang maging hari at limampu't dalawang taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang ina niya'y si Jecolias na taga-Jerusalem. Si Uzias ay naging kalugud-lugod kay Yahweh tulad ni Amazias. Habang nabubuhay si Zacarias, na nagturo sa kanya na matakot sa Diyos, naglingkod siya nang tapat kay Yahweh, at pinagpapala siya ng Diyos. Sinalakay ni Uzias ang mga Filisteo at winasak ang mga kuta sa Gat, Jabne at Asdod. Nagtayo siya ng mga lunsod sa nasasakupan ng Asdod at ng mga Filisteo. Tinulungan siya ng Diyos laban sa mga Filisteo at mga Arabo na naninirahan sa Gurbaal at laban sa mga Meunita. Nagbabayad sa kanya ng buwis ang mga Ammonita at nakilala siya hanggang sa Egipto dahil sa kanyang kapangyarihan. Nagtayo rin siya ng mga kuta sa Jerusalem: isa sa may Pintuan sa Sulok, isa sa Pintuan sa Libis at isa sa Panulukan ng Zion at ng Ofel. Nagpagawa rin siya ng mga toreng bantayan sa ilang at nagpahukay ng maraming mga balon para sa kanyang mga kawan sa mga paanan ng burol at sa kapatagan. Palibhasa'y mahilig siya sa pagbubukid, kumuha siya ng mga magsasaka sa kanyang bukirin at mga tagapag-alaga ng ubasan sa kapatagan at kaburulan. Si Uzias ay mayroon ding hukbo ng mga kawal na handa sa labanan. Nasa ilalim ito ng pamamahala ni Hananias. Nahahati ito sa maraming pangkat ayon sa listahang ginawa ni Jeiel na kalihim at ng tagapagtalang si Maasias. May 2,600 pinuno ng sambahayan ang namamahala sa kanyang hukbo. Binubuo ito ng may 300,750, magigiting na mandirigma na laging handang lumaban at magtanggol sa hari. Silang lahat ay binigyan ni Uzias ng iba't ibang sandata tulad ng panangga, sibat, helmet, pana at tirador. Sa mga tore at mga panulukan ng Jerusalem, naglagay siya ng mga kasangkapang ginawa ng mahuhusay na panday upang ipanghagis ng sibat at ng malalaking bato. Naging tanyag si Uzias at naging makapangyarihan dahil sa tulong na nagmumula sa Diyos. Subalit nang maging makapangyarihan si Uzias, naging palalo siya na siyang dahilan ng kanyang pagbagsak. Nilapastangan niya ang Diyos niyang si Yahweh nang pumasok siya sa Templo upang maghandog sa altar na sunugan ng insenso. Sinundan siya ng paring si Azarias, kasama ang walumpung matatapang na pari ni Yahweh. Nang makita siya ay sinabi nila, “Haring Uzias, wala po kayong karapatang magsunog ng insenso para kay Yahweh. Tanging ang mga paring mula sa angkan ni Aaron lamang ang inatasan ng Diyos sa katungkulang ito. Lumabas na kayo rito sa banal na dako. Nagkakasala kayo sa ginagawa ninyong iyan. Hindi sinasang-ayunan ng Panginoong Yahweh ang ginagawa ninyo.” Nagalit si Haring Uzias sa mga pari. Siya ay nakatayo noon sa tabi ng altar na sunugan ng insenso. Ngunit nang sandaling iyon ay nagkaroon siya ng sakit sa balat na parang ketong sa noo. Nang makita ni Azarias at ng mga pari ang nangyari kay Uzias, pinalabas nila ito agad. Hindi naman ito tumutol sapagkat naramdaman niyang siya'y pinarusahan na ni Yahweh. Hindi na gumaling ang sakit sa balat ni Haring Uzias hanggang sa siya'y mamatay. Ibinukod siya ng tahanan, inalisan ng lahat ng katungkulan at pinagbawalang pumasok sa Templo ni Yahweh. Ang anak niyang si Jotam ang namahala sa palasyo at sa buong lupain. Ang iba pang mga ginawa ni Uzias mula sa simula hanggang katapusan ay itinala ni Isaias na anak ni Amoz. Nang ito'y mamatay, inilibing lamang siya sa puntod na malapit sa libingan ng mga hari, sapagkat siya'y nagkaroon ng sakit sa balat na parang ketong. Ang anak niyang si Jotam ang humalili sa kanya bilang hari. Si Jotam ay dalawampu't limang taóng gulang nang maging hari at labing-anim na taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Jerusa na anak ni Zadok. Tulad ng kanyang amang si Uzias, ang mga ginawa niya'y naging kalugud-lugod sa paningin ni Yahweh ngunit hindi niya ito tinularan sa pagpasok sa Templo upang magsunog ng insenso roon. Sa kabila nito, nagpatuloy pa rin sa pagkakasala ang sambayanan. Ipinagawa ni Jotam ang Hilagang Pintuan ng Templo at pinatibay ang pader ng Jerusalem sa gawing Ofel. Nagtayo siya ng mga lunsod sa kaburulan ng Juda. Gumawa rin siya ng mga kuta at bantayan sa kakahuyan. Nakipaglaban siya at nagtagumpay sa hari ng mga Ammonita. Nang taóng iyon ay nagbayad sa kanya ang mga Ammonita ng 3,500 kilong pilak, trigo na nakalagay sa 10,000 malalaking sisidlan at sebada na nakalagay sa 10,000 malalaking sisidlan. Gayundin ang ibinayad sa kanya nang ikalawa at ikatlong taon. Dahil sa kanyang pananatiling tapat sa Diyos niyang si Yahweh, lumaki ang kapangyarihan ni Jotam. Ang ibang mga ginawa ni Jotam sa panahon ng kanyang paghahari, pati ang lahat niyang pakikipaglaban at ginawa sa panahon ng kapayapaan ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel at Juda. Dalawampu't limang taóng gulang siya nang maging hari at labing-anim na taon siyang naghari sa Jerusalem. Namatay siya at inilibing sa Lunsod ni David. Ang anak niyang si Ahaz ang humalili sa kanya bilang hari. Dalawampung taóng gulang naman si Ahaz nang magsimulang maghari at naghari siya ng labing-anim na taon sa Jerusalem. Hindi siya tumulad sa mga ginawa ng kanyang ninunong si David at dahil dito'y hindi siya naging kalugud-lugod sa paningin ni Yahweh. Sa halip, ang sinundan niya'y ang mga halimbawa ng mga hari ng Israel. Nagpagawa siya ng mga metal na rebulto ni Baal. Nagsunog siya ng insenso at nag-alay ng mga handog na susunugin sa Libis ng Ben Hinom. Inihandog din niya ang kanyang mga anak na lalaki at sinunog doon tulad ng mga karumal-dumal na kaugalian ng mga bansang pinalayas ni Yahweh nang dumating ang Israel sa lupain. Naghandog siya at nagsunog ng insenso sa mga dambanang pagano, sa mga burol at sa bawat lilim ng mga punongkahoy. Dahil dito, ipinatalo siya ni Yahweh na kanyang Diyos sa hari ng Siria. Maraming mamamayan ng Juda ang binihag nito at dinala sa Damasco. Nilusob din siya ng hari ng Israel at halos naubos ang kanyang hukbo. Sa loob lamang ng isang araw ay may 120,000 kawal ng Juda ang napatay ng mga Israelita sa pamumuno ni Haring Peka na anak ni Remalias. Nangyari sa kanila iyon sapagkat itinakwil nila si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Pati ang prinsipeng si Maasias, si Azrikam na tagapamahala ng palasyo at si Elkana na kanang kamay ng hari ay napatay ni Zicri, isang mandirigmang taga-Efraim. Bagama't kamag-anak ng mga taga-Israel ang mga taga-Juda, 200,000 kababaihan at mga batang babae at lalaki ng Juda ang binihag nila at dinala sa Samaria. Marami rin silang sinamsam na kayamanan. Si Oded, isang propeta ni Yahweh, ay nasa Samaria noon. Sinalubong niya ang bumabalik na hukbo at kanyang sinabi, “Nagtagumpay kayo laban sa Juda sapagkat galit sa kanila si Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno. Ngunit pinuksa ninyo sila dahil sa abot hanggang langit na ang galit ninyo sa kanila. Gusto pa ninyo ngayong alipinin ang mga lalaki at babaing taga-Juda at Jerusalem. Hindi ba ninyo alam na kayo'y nagkakasala rin sa Diyos ninyong si Yahweh? Makinig kayo sa akin. Mga kamag-anak ninyo ang mga bihag ninyong ito. Pauwiin na ninyo sila, kung hindi'y paparusahan kayo ni Yahweh dahil galit siya sa inyo.” Nang sandaling iyon, may dumating ding ilang pinuno ng Efraim: sina Azarias na anak ni Johanan, Berequias na anak ni Mesillemot, Jehizkias na anak ni Sallum at Amasa na anak naman ni Hadlai. Tumutol din sila sa ginawa ng Israel at nagsabi, “Huwag ninyong ipapasok sa ating bansa ang mga bihag na iyan. Lalo tayong magkakasala at ito'y pananagutan natin sa harapan ni Yahweh. Marami na tayong kasalanan at lalong magagalit ang Diyos sa Israel.” Kaya't iniwan ng mga kawal ang mga bihag at ang mga nasamsam sa pangangalaga ng mga pinuno at ng mga taong-bayan. Kumilos naman agad ang mga nabanggit na lalaki upang tulungan ang mga bihag. Ang mga bihag na wala na halos damit ay kanilang binihisan mula sa mga kasuotang nasamsam. Binigyan din nila ang mga ito ng mga sapin sa paa. Pinakain nila't pinainom ang mga bihag at ginamot ang mga sugatan. Ang mahihina nama'y isinakay nila sa mga asno at inihatid sa kanilang mga kasamahang nasa Jerico, ang lunsod ng mga palma. Pagkatapos ay bumalik na ang mga pinuno sa Samaria. Nang panahong iyo'y humingi ng tulong si Haring Ahaz sa hari ng Asiria. Ginawa niya ito sapagkat sumalakay na naman ang mga taga-Edom at natalo ang Juda. Marami na namang nabihag sa kanila. Sinalakay din ng mga Filisteo ang mga bayan sa mga paanan ng mga burol sa kanluran at ang mga bayan sa katimugan ng Juda. Nakuha rin nila ang Beth-semes, Aijalon, Gederot, Soco, Timna at Gimzo pati ang mga nayong sakop ng mga lugar na ito, at sila ang tumira doon. Pinarusahan ni Yahweh ang Juda dahil sa kasamaang ginawa dito ni Ahaz na hari ng Juda at dahil sa kataksilan nito sa kanya. Sa halip na tumulong, kinalaban at ginulo pa ni Tiglat-pileser na hari ng Asiria si Ahaz. Kaya't kinuha ni Haring Ahaz ang mga kayamanan sa Templo at sa palasyo ng hari, sa bahay ng mga opisyal, at ibinigay sa hari ng Asiria. Ngunit hindi rin nakatulong sa kanya ang ginawa niyang ito. Lalong nagkasala laban kay Yahweh si Haring Ahaz sa panahon ng kanyang kagipitan. Naghandog siya sa mga diyus-diyosan sa Damasco, ang bansang tumalo sa kanya. Sinabi ni Ahaz, “Ang mga diyos ng mga hari sa Siria ang tumulong sa kanila, kaya doon ako maghahandog upang ako'y tulungan din.” Ito ang nagpabagsak sa kanya at sa bayang Israel. Ang lahat ng kagamitan sa Templo ay sinira ni Ahaz. Ipinasara niya ang Templo at nagpatayo ng mga altar sa lahat ng sulok ng Jerusalem. Gumawa siya sa bawat lunsod ng Juda ng mga burol na sunugan ng insenso para sa mga diyos ng ibang bansa. Dahil dito'y lalong nagalit sa kanya si Yahweh, ang Diyos ng kanyang mga ninuno. Ang lahat ng nangyari sa pamamahala ni Ahaz at ang kanyang mga ginawa mula sa pasimula hanggang wakas ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda at Israel. Namatay siya at inilibing sa Jerusalem ngunit hindi isinama sa libingan ng mga hari ng Juda. Humalili sa kanya bilang hari ang anak niyang si Ezequias. Si Ezequias ay dalawampu't limang taóng gulang nang maging hari at dalawampu't siyam na taon siyang naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina ay si Abija na anak ni Zacarias. Katulad ng kanyang ninunong si David, gumawa siya ng kalugud-lugod sa paningin ni Yahweh. Sa unang buwan ng unang taon ng paghahari ni Ezequias, pinabuksan niya ang mga pintuan ng Templo at ipinaayos ito. Tinipon niya ang mga pari at mga Levita sa bulwagan sa gawing silangan ng Templo. Sinabi niya: “Makinig kayo, mga Levita. Italaga ninyo ngayon ang inyong sarili at ang Templo ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno. Alisin ninyo ang mga karumal-dumal na bagay sa dakong banal. Nagkasala ang ating mga magulang. Hindi sila naging tapat kay Yahweh na ating Diyos. Kanilang tinalikuran siya at ang kanyang Templo. Isinara nila ang mga pintuan sa portiko. Hindi nila sinindihan ang mga ilawan at hindi na nagsunog ng insenso. Hindi na rin sila nagdala ng handog na susunugin sa dakong banal ng Diyos ng Israel. Kaya nagalit si Yahweh sa Juda at sa Jerusalem at ginawa niyang kahiya-hiya at kakila-kilabot ang kanilang sinapit gaya ng inyong nakikita. Kaya naman napatay sa digmaan ang ating mga magulang at nabihag ng mga kaaway ang ating mga anak at mga asawa. Napagpasyahan kong manumpa tayo kay Yahweh, ang Diyos ng Israel, upang mapawi ang galit niya sa atin. Mga anak, huwag na kayong mag-aksaya ng panahon. Kayo ang pinili ni Yahweh na mag-alay ng handog at magsunog ng insenso at manguna sa pagsamba sa kanya.” Inihanda ng mga Levita ang kanilang sarili. Sa angkan ni Kohat: si Mahat na anak ni Amasai at si Joel na anak ni Azarias. Sa angkan ni Merari: si Kish na anak ni Abdi at si Azarias na anak ni Jehalelel. Sa angkan ni Gershon: si Joah na anak ni Zimma at si Eden na anak naman ni Joah. Sa angkan naman ni Elizafan: si Simri na anak ni Jeiel. Sa angkan ni Asaf: sina Zacarias at Matanias. Sa angkan ni Heman: sina Jehiel at Simei. Sa angkan ni Jeduthun: sina Semaias at Uziel. Tinipon ng mga ito ang kanilang mga kapwa Levita at nilinis ang kanilang sarili ayon sa Kautusan. Gaya ng utos sa kanila ng hari, pumasok sila at nilinis ang Templo ayon sa Kautusan ni Yahweh. Pumasok naman sa loob ng Templo ang mga pari at inilabas ang maruruming bagay sa bulwagan ng Templo ni Yahweh. Kinuha naman ito ng mga Levita at dinala sa Libis ng Kidron. Sinimulan nila ang gawain ng paglilinis noong unang araw ng unang buwan at ikawalong araw nang umabot sila sa portiko. Walong araw pa nilang nilinis ang Templo ni Yahweh at natapos nila ito sa ikalabing-anim na araw ng buwan ding iyon. Pagkatapos, pumunta ang mga Levita kay Haring Ezequias at sinabi dito, “Nalinis na po namin ang Templo ni Yahweh, ang altar na pinagsusunugan ng mga handog at ang lahat ng kagamitan doon, pati ang hapag ng mga tinapay na handog at ang mga kagamitan doon. Ang mga kasangkapan namang inalis ni Haring Ahaz nang tumalikod siya sa Diyos ay ibinalik namin at muling inilaan para sa Diyos. Nakalagay na po ang lahat ng ito sa harap ng altar ni Yahweh.” Maagang bumangon si Haring Ezequias at tinipon niya ang mga pinuno ng lunsod. Magkakasama silang pumunta sa Templo ni Yahweh. May dala silang pitong toro, pitong lalaking tupa, pitong kordero at pitong lalaking kambing na handog pangkasalanan para sa kaharian, sa Templo at sa Juda. Iniutos ng hari sa mga paring mula sa angkan ni Aaron na ihandog ang mga ito sa altar ni Yahweh. Kaya't pinatay ng mga pari ang mga toro at ang dugo nito'y iwinisik nila sa altar. Gayundin ang ginawa sa mga lalaking tupa at kordero. Ngunit ang mga lalaking kambing na handog pangkasalanan ay dinala sa harapan ng hari at ng kapulungan. Ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa mga hayop na ito. Pagkatapos, pinatay ng mga pari ang mga kambing at ang dugo ng mga ito'y dinala nila sa altar at inihandog bilang pambayad sa kasalanan ng buong Israel, sapagkat iniutos ng hari na ialay para sa buong Israel ang handog na susunugin at ang handog pangkasalanan. Naglagay din siya ng manunugtog sa Templo ni Yahweh: mga Levitang tutugtog ng mga pompiyang, lira at alpa. Ito ang utos ni David, ni Gad na propeta ng hari at ni propeta Natan, ayon sa utos ni Yahweh na ibinigay sa pamamagitan ng kanyang mga propeta. Nakatayo doon ang mga Levita na may hawak na mga panugtog na ginamit ni David at ang mga pari naman ang may hawak ng mga trumpeta. Iniutos ni Ezequias na ialay sa altar ang handog na susunugin. Kasabay ng paghahandog, inawit ang papuri kay Yahweh sa saliw ng trumpeta at mga instrumento ni David. Ang buong kapulungan ay sumamba, umawit ang mga mang-aawit at hinipan ang mga trumpeta hanggang sa matapos ang pagsusunog ng mga handog. Pagkatapos, ang hari naman at ang kanyang mga kasama ang nagpatirapa at sumamba sa Diyos. Iniutos ni Haring Ezequias at ng mga pinunong kasama niya sa mga Levita na awitin para kay Yahweh ang mga awit at papuring likha ni Haring David at ng propeta niyang si Asaf. Buong galak silang umawit ng papuri, nagpatirapa at sumamba sa Diyos. Sinabi ni Ezequias sa mga tao, “Nalinis na ninyo ngayon ang inyong mga sarili para kay Yahweh. Lumapit na kayo at dalhin sa Templo ang inyong mga handog ng pasasalamat kay Yahweh.” Nagdala nga ang buong kapulungan ng mga handog ng pasasalamat at ang iba nama'y kusang-loob na nagdala ng mga handog na susunugin. Ang mga handog na susunugin para kay Yahweh ay umabot sa pitumpung toro, sandaang lalaking tupa at dalawandaang kordero. Ang inialay na mga handog ay umabot sa 600 toro at 3,000 tupa. Ngunit iilan lamang ang mga pari at hindi nila kayang gawin lahat ang pag-aalay sa mga handog na susunugin. Kaya tinulungan sila ng mga Levita. Dahil dito, nagkaroon ng pagkakataong makapaglinis ng sarili ang ibang pari. Sapagkat naging mas masigasig sa paglilinis ng sarili ang mga Levita kaysa mga pari. Bukod sa mga handog na susunugin, marami rin ang taba ng mga handog na pagkaing butil at inumin. Sa ganitong paraan, naibalik ang dating pagsamba sa Templo ni Yahweh. Tuwang-tuwa si Haring Ezequias at ang buong bayan sa ginawa ng Diyos para sa kanila sapagkat hindi nila akalaing ito'y matatapos agad. Inanyayahan ni Ezequias ang buong Israel at Juda upang idaos sa Jerusalem ang Paskwa ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Pinadalhan din niya ng sulat ang mga taga-Efraim at Manases. Pinag-usapan ng hari, ng mga pinuno at ng buong kapulungan na idaos ang Paskwa sa ikalawang buwan. Hindi ito naidaos sa takdang panahon sapagkat maraming pari ang hindi pa nakakapaglinis ng sarili ayon sa Kautusan at kaunti lamang ang taong natipon noon sa Jerusalem. Nagkaisa ang hari at ang buong kapulungan sa ganoong panukala. Kaya't ibinalita nila sa buong Israel mula Beer-seba hanggang Dan na kailangang dumalo ang lahat sa Jerusalem upang idaos ang paskwa ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Ayon sa ulat, ito ang pagtitipong dinaluhan ng pinakamaraming tao. Ganito ang nakasaad sa paanyaya na ipinadala ng hari at ng mga pinuno: “Mga taga-Israel, magbalik-loob kayo kay Yahweh, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Israel upang kalingain niyang muli ang mga nakaligtas sa inyo na di nabihag ng mga hari ng Asiria. Huwag ninyong tularan ang ugali ng inyong mga ninuno at mga kababayan na nagtaksil sa Panginoong Yahweh. Kaya matindi ang parusa sa kanila ng Diyos tulad ng inyong nakikita ngayon. Huwag maging matigas ang ulo ninyo katulad nila. Sa halip, maging masunurin kayo kay Yahweh. Dumulog kayo sa kanyang Templo na inilaan niya para sa kanyang sarili magpakailanman. Paglingkuran ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh upang mapawi ang galit niya sa inyo. Kung manunumbalik kayo sa kanya, ang inyong mga kababayan at kamag-anak na dinalang-bihag sa ibang bansa ay kahahabagan ng mga bumihag sa kanila at pababalikin sila sa lupaing ito. Mahabagin at mapagpala ang Diyos ninyong si Yahweh at tatanggapin niya kayo kung kayo'y manunumbalik sa kanya.” Pinuntahan ng mga sugo ang lahat ng lunsod sa lupain ng Efraim at Manases hanggang sa Zebulun ngunit pinagtawanan lamang sila ng mga ito. Mayroon din namang ilan mula sa Asher, Manases at Zebulun na nagpakumbabá at pumunta sa Jerusalem. Ngunit niloob ng Diyos na dumalong lahat ang mga taga-Juda at magkaisa silang sumunod sa utos ng hari at ng mga pinuno nila ayon sa salita ni Yahweh. Napakaraming pumunta sa Jerusalem noong ikalawang buwan upang ipagdiwang ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Inalis nila ang mga altar sa Jerusalem na pinagsunugan ng mga handog at ng insenso at itinapon ang mga ito sa Libis ng Kidron. Pinatay nila ang mga korderong pampaskwa noong ikalabing apat na araw ng ikalawang buwan. Napahiya ang mga pari at Levita kaya naglinis sila ng sarili at nagdala ng mga handog na susunugin sa Templo ni Yahweh. Muli nilang ginampanan ang dati nilang tungkulin ayon sa Kautusan ni Moises na lingkod ng Diyos. Iwinisik ng mga pari sa altar ang dugong ibinigay sa kanila ng mga Levita. Marami sa kapulungan ang hindi pa nakakapaglinis ng kanilang sarili ayon sa Kautusan kaya nagpatay ang mga Levita ng mga korderong pampaskwa upang maging banal ang mga ito para kay Yahweh. Kahit marami ang hindi pa nakakapaglinis ng kanilang sarili ayon sa Kautusan, kumain na rin sila ng korderong pampaskwa. Karamihan sa mga ito ay buhat sa Efraim, Manases, Isacar at Zebulun. Gayunman, nanalangin ng ganito si Ezequias para sa kanila: “O Yahweh, Diyos ng aming mga ninuno, patawarin po ninyo ang lahat nang sumasamba sa inyo nang buong puso kahit hindi sila nakapaglinis ng sarili ayon sa kautusan.” Pinakinggan ni Yahweh si Ezequias at pinatawad ang mga tao. Pitong araw nilang ipinagdiwang ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Buong lakas na umawit ng papuri araw-araw ang mga pari at ang mga Levita kay Yahweh. Pinuri ni Haring Ezequias ang mga Levita dahil sa maayos nilang pangangasiwa ng pagsamba kay Yahweh. Pitong araw na ipinagdiwang ng bayan ang kapistahang iyon. Nag-alay sila ng mga handog pangkapayapaan, kumain ng mga handog at nagpuri kay Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno. Nagkaisa ang kapulungan na ipagpatuloy ng pitong araw pa ang pista. Kaya, pitong araw pa silang nagsaya. Nagkaloob si Haring Ezequias ng sanlibong toro at pitong libong tupa para sa pagtitipong iyon. Ang mga pinuno naman ay nagkaloob ng sanlibong toro at sanlibong tupa para sa mga tao. Dahil dito, maraming mga pari ang naglinis ng kanilang sarili ayon sa Kautusan. Masayang-masaya ang lahat, ang mga mamamayan ng Juda, ang mga pari at ang mga Levita. Gayundin ang lahat ng dumalo buhat sa Israel at ang mga dayuhang nakikipanirahan sa Israel at sa Juda. Noon lamang nagkaroon ng ganoong pagdiriwang sa Jerusalem mula noong panahon ni Solomon na anak ni Haring David ng Israel. Tumayo ang mga pari at ang mga Levita at binasbasan ang mga tao. Ang panalangin nila'y nakaabot sa tahanan ng Diyos sa langit. Pagkatapos ng pagdiriwang na ito, ang lahat ng Israelitang dumalo ay pumunta sa mga lunsod ng Juda, at pinutol nila ang mga haliging sinasamba at dinurog ang mga imahen ng diyus-diyosang si Ashera. Winasak din nila ang mga sambahan at dambana ng mga pagano. Ginawa rin nila ito sa buong Juda, Benjamin, Efraim at Manases. Pagkatapos ay umuwi na sila sa kanilang mga tahanan. Pinagpangkat-pangkat muli ni Ezequias ang mga pari at Levita at binigyan ng kanya-kanyang gawain: may para sa handog na susunugin, at may para sa handog na pagkain. Ang iba'y tutulong sa pagdaraos ng pagsamba. Ang iba'y taga-awit ng pagpupuri at pasasalamat at ang iba nama'y mangangasiwa sa mga pintuan ng Templo ni Yahweh. Lahat ng handog na susunugin sa umaga at sa gabi, at sa mga Araw ng Pamamahinga, Pista ng Bagong Buwan at mga takdang panahon ay kaloob ng hari, ayon sa itinakda ng Kautusan. Iniutos ni Ezequias sa mga taga-Jerusalem na ibigay sa mga pari at Levita ang para sa mga ito upang ang buong panahon nila ay maiukol sa kanilang tungkulin ayon sa Kautusan ni Yahweh. Pagkatanggap ng utos, ang mga Israelita ay nagbigay ng kanilang mga kaloob mula sa pangunahin nilang ani ng trigo, alak, langis at pulot at iba pang bunga ng kanilang bukid. Nagbigay din sila ng ikasampung bahagi ng lahat ng kanilang kinita. Ang mga taga-Juda at mga Israelitang naninirahan sa mga lunsod ng Juda ay nagbigay rin ng ikasampung bahagi ng kanilang mga baka, tupa at lahat ng mga inani sa kanilang lupain. Nagdala rin sila ng napakaraming mga handog na inialay nila kay Yahweh na kanilang Diyos. Nagsimula ang pagdating ng mga kaloob noong ikatlong buwan at nagpatuloy hanggang sa ikapito. Nang makita ni Ezequias at ng kanyang mga pinuno ang dami ng mga kaloob, pinuri nila si Yahweh at pinasalamatan ang buong bayan. Tinanong ni Ezequias ang mga pari at mga Levita tungkol sa napakaraming handog. Ganito ang sagot ni Azarias, ang pinakapunong pari mula sa angkan ni Zadok: “Mula nang magdala ng handog sa Templo ni Yahweh ang mga tao, saganang-sagana kami sa pagkain at marami pang natitira. Nangyari ito dahil sa pagpapala ni Yahweh.” Iniutos ni Ezequias na gumawa ng mga bodega sa Templo, upang doon ilagay ang mga kaloob at mga ikasampung bahagi. Si Conanias na isang Levita ang ginawa nilang katiwala sa lahat ng ito, at katulong niya ang kanyang kapatid na si Simei. Ang iba pang mga katulong nila ay sina Jehiel, Azazias, Nahat, Asael, Jerimot, Josabad, Eliel, Ismaquias, Mahat at Benaias. Pinili sila ni Haring Ezequias at ni Azarias, ang namamahala sa Templo ni Yahweh. Si Korah na anak ni Imna at isang Levita ang bantay sa pintuan sa gawing silangan, ang pinamahala sa pagtanggap at pamamahagi ng mga kusang-loob na handog. Siya ang nagbibigay sa mga pari ng bahagi ng handog ng pasasalamat na para kay Yahweh at ng bahagi ng handog para sa kasalanan na kakainin ng mga pari sa banal na lugar. Ang katulong naman niya sa mga lunsod ng mga pari ay sina Eden, Minyamin, Jeshua, Semaya, Amarias at Secanias. Sila ang namamahagi sa mga kapatid, matanda o bata, ayon sa kanya-kanyang pangkat. Bawat isa'y tumatanggap ng nauukol sa sarili—lahat ng lalaki mula sa gulang na tatlong taon pataas na may pang-araw-araw na tungkulin sa Templo. Ang mga pari ay pangkat-pangkat na inilagay sa kanya-kanyang tungkulin ayon sa kanilang angkan at ang mga Levita namang mula sa dalawampung taon pataas ay ayon sa kanilang tungkulin. Itinalang kasama ng mga pari ang kanilang pamilya sapagkat kailangang maging handa sila anumang oras sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Ang mga pari na naninirahan sa mga lunsod na ibinigay sa angkan ni Aaron, o sa mga bukiring nasa lunsod ng mga ito ay nilagyan din ng mga tagapamahagi ng pagkain para sa lahat ng lalaki sa mga pamilya ng mga pari at sa lahat ng nakatala sa angkan ng mga Levita. Sa buong Juda, ginawa ni Haring Ezequias ang mabuti at kalugud-lugod sa paningin ng Diyos niyang si Yahweh. Naging matagumpay siya, sapagkat ang lahat ng ginawa niya para sa Templo at sa kanyang pagtupad sa Kautusan, ay ginawa niya nang buong puso at katapatan sa kanyang Diyos. Matapos isagawa ni Ezequias ang lahat ng ito at ipakita ang kanyang katapatan sa Diyos, ang Juda ay sinalakay ni Senaquerib, hari ng Asiria. Pinalibutan ng kanyang mga kawal ang mga may pader na lunsod at humandang pasukin ang mga ito. Nang makita ni Ezequias ang balak na paglusob na ito sa Jerusalem, sumangguni siya sa kanyang mga pinuno. Nagkaisa silang harangin ang pag-agos ng bukal ng tubig sa labas ng lunsod. Tumawag sila ng maraming tao at hinarangan nga nila ang lahat ng bukal at ilog upang ang mga ito'y hindi pakinabangan ng mga taga-Asiria. Ipinaayos ni Ezequias ang mga wasak na pader at pinalagyan niya ito ng mga toreng-bantayan. Nagpatayo siya ng isa pang muog sa labas nito at pinatatag ang Millo sa Lunsod ni David. Pagkatapos, nagpagawa siya ng maraming mga sandata at kalasag. Ang mga kalalakihan sa lunsod ay ipinailalim niya sa mga opisyal ng hukbo. Tinipon niya ang mga ito sa may pintuan ng lunsod at pinagbilinan ng ganito: “Maging matapang kayo. Lakasan ninyo ang inyong loob. Huwag kayong matakot sa mga taga-Asiria. Mas malakas ang kapangyarihang nasa panig natin kaysa nasa panig nila. Nasa tao ang kanyang lakas samantalang nasa panig natin ang ating Diyos na si Yahweh. Tutulungan niya tayo at ipaglalaban.” Sa sinabing ito ni Haring Ezequias, nabuhayan ng loob ang mga tao. Nasa Laquis noon si Haring Senaquerib ng Asiria kasama ang kanyang hukbo at pinapaligiran nila ang lunsod na iyon. Nagpadala siya ng mga sugo kay Ezequias at sa mga taga-Jerusalem. Ganito ang sabi niya: “Napapalibutan na namin kayo diyan sa Jerusalem. Ano sa palagay ninyo ang makakapagligtas sa inyo? Sumuko na kayo para hindi kayo mamatay sa gutom at uhaw. Nililinlang lamang kayo ni Ezequias! Paano kayo maililigtas ng Diyos ninyong si Yahweh sa kamay ng hari ng Asiria? Hindi ba't si Ezequias ang nagpagiba ng mga altar at sagradong burol at nag-utos sa inyo na sa isang altar lamang kayo sasamba at maghahandog? Alam ninyo ang ginawa ko at ng aking mga ninuno sa mga mamamayan ng ibang lupain. Nailigtas ba sila ng kanilang mga diyos? Wala ni isa sa dinidiyos ng mga bansang winasak ng aking mga ninuno ang nakapagligtas sa kanila! Hindi rin kayo maililigtas ng inyong Diyos! Huwag kayong magpaloko diyan kay Ezequias. Huwag kayong maniwala sa kanya. Walang diyos ng alinmang bansa o kaharian ang nakapagligtas sa kanilang bayan sa kamay ko at sa aking mga ninuno. Hindi rin kayo maililigtas ng inyong Diyos!” Ang mga sugo ni Senaquerib ay marami pang sinabi laban sa Panginoong Yahweh at kay Ezequias na kanyang lingkod. May sulat pa ang hari na lumalait kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. Ganito ang sinasabi: “Hindi maipagtatanggol ng Diyos ni Ezequias ang kanyang bayan laban sa akin, tulad ng mga diyos ng mga bansang walang nagawa sa akin.” Ipinagsigawan nila ito sa wikang Hebreo upang matakot at panghinaan ng loob ang mga taga-Jerusalem na nasa may pader ng lunsod. Sa ganitong paraan ay magiging madali ang pagsakop nila sa lunsod. Sinasabi nila na ang Diyos ng Jerusalem ay tulad lamang ng mga diyus-diyosan ng ibang bansa na gawa lamang ng kamay ng tao. Dahil dito, nanalangin at humingi ng saklolo sa Diyos sina Haring Ezequias at si propeta Isaias na anak ni Amos. Nagsugo si Yahweh ng isang anghel at pinatay nito ang mga pinuno at mga kawal ng Asiria. Kaya ang hari ng Asiria ay umuwing hiyang-hiya. Nang pumasok siya sa templo ng kanyang diyos, pinatay siya sa saksak ng sarili niyang mga anak. Sa ganoong paraan iniligtas ni Yahweh sina Ezequias at ang mga taga-Jerusalem sa kamay ni Haring Senaquerib ng Asiria at ng lahat ng mga kaaway. Binigyan ni Yahweh ng kapayapaan ang buong bansa. Maraming nagpuntahan sa Jerusalem. Naghandog sila kay Yahweh at nagkaloob ng mahahalagang bagay kay Haring Ezequias. Mula noo'y pinarangalan siya ng lahat ng bansa. Di nagtagal ay nagkasakit nang malubha si Ezequias. Nanalangin siya kay Yahweh at binigyan siya nito ng isang palatandaan na siya'y gagaling. Ngunit hindi niya kinilalang utang na loob ang ginawa ni Yahweh para sa kanya. Sa halip ay naging palalo siya kaya naman pinarusahan siya ng Diyos, pati ang Juda at Jerusalem. Ngunit sa bandang huli ay nagpakumbabá siya at ang mga taga-Jerusalem. Dahil dito, hindi pinarusahan ni Yahweh ang sambayanan habang nabubuhay pa si Ezequias. Napakarami ng kayamanang naipon ni Ezequias. Kaya nagpagawa siya ng sariling imbakan ng pilak, ginto, mahahalagang bato, pabango, mga kalasag at mahahalagang kasangkapan. Nagpagawa rin siya ng mga bodega ng trigo, alak at langis at mga kulungan ng baka at tupa. Dumami ang kawan ng kanyang mga hayop. Pinayaman siya ng Diyos. Hinarangan niya ang batis ng Gihon sa gawing itaas ng lunsod at pinalihis sa gawing kanluran patungo sa Lunsod ni David. Masasabing si Ezequias ay nagtagumpay sa lahat ng kanyang ginawa, maging sa pakikitungo sa mga sugo ng hari ng Babilonia na dumating sa kanya upang magsiyasat sa mga pambihirang pangyayari sa lupain. Hinayaan siya ng Diyos na gawin ang gusto niya upang subukin ang kanyang pagkatao. Ang iba pang mga pangyayari sa paghahari ni Ezequias at ang kanyang mabubuting ginawa ay nakasulat sa Ang Pangitain ni Propeta Isaias na Anak ni Amoz at sa Kasaysayan ng mga Hari ng Juda at Israel. Namatay si Ezequias at inilibing sa pinakamataas na libingan ng mga anak ni David. Sa pagkamatay niya'y pinarangalan siya ng buong Juda at Jerusalem. Ang anak niyang si Manases ang humalili sa kanya bilang hari. Si Manases ay labindalawang taóng gulang nang maging hari ng Juda. Limampu't limang taon siyang naghari sa Jerusalem. Hindi kinalugdan ni Yahweh ang ginawa niya sapagkat tinularan niya ang kasamaan ng mga bansang pinalayas ni Yahweh sa lupaing iyon nang sakupin iyon ng bayang Israel. Muli niyang itinayo ang mga sambahan ng mga pagano na winasak ng kanyang amang si Ezequias. Nagtayo rin siya ng mga dambana para kay Baal, gumawa ng mga imahen ng diyosang si Ashera at sumamba sa mga bituin. Nagtayo siya ng mga altar ng mga pagano sa Templo, sa lugar na sinabi ni Yahweh kung saan siya'y sasambahin magpakailanman. Pati ang dalawang bulwagan ng Templo ay nilagyan niya ng mga altar para sa mga bituin. Ang mga anak niyang lalaki ay sinunog niya sa Libis ng Ben Hinom bilang handog sa mga diyus-diyosan. Naging mahilig siya sa mga panghuhula, pangkukulam at salamangka. Nagpupunta rin siya sa mga sumasangguni sa espiritu ng namatay na at sa mga manghuhula. Dahil sa mga kasamaang ito, nagalit sa kanya si Yahweh. Pati ang inukit niyang larawan ng isang diyus-diyosan ay dinala niya sa Templo. Tungkol sa templong iyon ay sinabi ng Diyos kay David at sa anak nitong si Solomon: “Ang Templong ito sa Jerusalem ay pinili ko sa mga lipi ng Israel upang dito ako sambahin magpakailanman. Kung susundin nilang mabuti ang mga utos at tuntuning ibinigay ko sa kanila sa pamamagitan ni Moises, hindi ko na sila aalisin sa lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno.” Ngunit iniligaw ni Manases ang mga taga-Juda at Jerusalem. Inakay niya ang mga ito sa mga kasamaang masahol pa sa kasamaan ng mga bansang nilipol ni Yahweh nang sakupin iyon ng bayang Israel. Binigyang-babala ni Yahweh si Manases at ang buong bayan, ngunit ayaw nilang makinig. Kaya ipinasalakay sila ni Yahweh sa hukbo ng hari ng Asiria. Nahuli nila si Manases, ikinadena at dinalang-bihag sa Babilonia. Sa oras ng kagipitan ay nagpakumbabá siya, nanalangin sa Diyos niyang si Yahweh, at humingi rito ng saklolo. Pinakinggan ng Diyos ang kanyang panalangin kaya't pinabalik siya sa Jerusalem at muling naghari doon. Noon kinilala ni Manases na si Yahweh ay Diyos. Pagkatapos nito, nagpatayo siya ng karagdagang pader sa labas ng Lunsod ni David sa gawing kanluran ng Batis ng Gihon patungo sa libis hanggang sa may Pintuan ng Isda. Pinaligiran din niya ng mataas na pader ang Ofel. Naglagay din siya ng mga pinunong-kawal sa mga may pader na lunsod ng Juda. Inalis niya sa Templo ang mga diyus-diyosan ng mga bansa at ang imahen ni Ashera. Ipinaalis din niya ang mga altar na ipinagawa niya sa bundok na kinatatayuan ng Templo sa Jerusalem at ipinatapon sa labas ng lunsod. Ipinatayo niyang muli ang altar ni Yahweh at naghandog siya ng handog na pagkaing butil at pasasalamat. Iniutos niya sa mga mamamayan ng Juda na maglingkod kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. Nagpatuloy ang mga tao sa kanilang paghahandog sa mga dambana sa burol ngunit iyo'y ginagawa nila para kay Yahweh na kanilang Diyos. Ang iba pang ginawa ni Manases, ang panalangin niya sa kanyang Diyos at ang mga pahayag ng mga propetang nagsalita sa kanya sa pangalan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel. Ang kanyang panalangin at ang kasagutan ng Diyos dito, gayundin ang mga kasalanang ginawa niya ay nakasulat naman sa Kasaysayan ng mga Propeta. Naroon din ang tungkol sa mga ipinatayo niyang mga sambahan ng mga pagano, ang mga ipinagawa niyang larawan ni Ashera at ang mga ginawa niyang diyus-diyosan bago siya nagbalik-loob sa Diyos. Namatay si Manases at inilibing sa kanyang palasyo. Humalili sa kanya bilang hari ang kanyang anak na si Ammon. Si Ammon ay dalawampu't dalawang taóng gulang nang maging hari at dalawang taon siyang naghari sa Jerusalem. Tulad ng kanyang amang si Manases, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sumamba siya at naglingkod sa mga diyus-diyosang ginawa ng kanyang ama. Ngunit hindi tulad ng kanyang ama, hindi siya nagpakumbabá kay Yahweh. Mas malaki ang kanyang naging kasalanan kaysa sa kanyang ama. Nagsabwatan ang kanyang mga tauhan at pinatay siya ng mga ito sa loob ng palasyo. Nagalit naman ang mga taong-bayan at ang mga tauhang iyo'y pinatay din nila. Pagkatapos, ginawa nilang hari si Josias na anak ni Ammon. Si Josias ay walong taóng gulang nang maging hari ng Juda. Tatlumpu't isang taon siyang naghari sa Jerusalem. Tulad ng ninuno niyang si David, naging kalugud-lugod kay Yahweh ang mga ginawa niya. Namuhay siya nang matuwid. Nang ikawalong taon ng kanyang pamamahala, kahit bata pa, ay naglingkod na siya nang tapat sa Diyos ni David na kanyang ninuno. Kaya noong ikalabindalawang taon, sinimulan niyang alisin sa Juda at Jerusalem ang mga sambahan ng mga pagano, ang mga larawan ng diyosang si Ashera at ang lahat ng diyus-diyosang kahoy o tanso. Ipinasibak niya sa kanyang harapan ang larawan ng mga Baal. Giniba niya ang mga altar ng insenso. Winasak niya ang mga imahen ni Ashera at ang mga diyus-diyosang kahoy at ginto. Ipinadurog niya ito nang pinung-pino at ipinasabog sa libingan ng mga sumamba sa kanila. Ipinasunog niya ang mga kalansay ng mga paring pagano sa ibabaw ng kanilang mga dambana. Sa ganoong paraan, nilinis ni Josias ang Jerusalem at ang buong Juda. Ganoon din ang ginawa niya sa mga lunsod ng Manases, Efraim at Simeon at sa mga nawasak na nayon sa paligid ng Neftali. Matapos niyang gawin ang lahat ng ito sa buong Israel, bumalik na siya sa Jerusalem. Inalis ni Josias ang lahat ng karumal-dumal sa buong lupain at sa Templo ng Diyos. Kaya't noong ikalabing walong taon ng kanyang paghahari, sinugo niya si Safan na anak ni Azalias, ang pinuno ng lunsod na si Maasias at ang kalihim niyang si Joas na anak ni Joahaz, upang ipaayos muli ang Templo ni Yahweh. Ibinigay nila kay Hilkias na pinakapunong pari ang pilak na nalikom sa Templo. Ito ang mga nalikom mula sa mga taga-Manases, Efraim, Benjamin, Juda at iba pang mga Israelita at mga taga-Jerusalem. Tinipon ito ng mga Levitang naglilingkod sa Templo. Ibinigay nila ang salaping ito sa namamahala ng gawain sa Templo ni Yahweh para sa pagpapaayos nito. Ang iba nama'y ibinili ng mga bato at kahoy na gagamitin sa pag-aayos ng bubong ng Templo na nasira dahil sa kapabayaan ng mga naunang hari ng Juda. Naging tapat ang mga taong katulong sa gawain. Pinamahalaan sila nina Jahat at Obadias, mga Levita buhat sa angkan nina Merari, Zacarias at Mesulam sa sambahayan ni Kohat. Mga Levita rin na pawang bihasang manunugtog ang nangasiwa sa mga manggagawang naghahakot ng mga gagamitin at sa iba pang gawain. Ang ibang Levita ay ginawang kalihim, karaniwang kawani o kaya'y mga bantay. Nang ilabas nila ang salaping natipon sa Templo, natagpuan ng paring si Hilkias ang Aklat ng Kautusang ibinigay ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises. Kaya tinawag niya si Safan, ang kalihim ng hari at sinabi, “Natagpuan ko sa Templo ang Aklat ng Kautusan.” Ibinigay ni Hilkias kay Safan ang aklat at dinala naman nito sa hari nang siya'y mag-ulat tungkol sa pagpapaayos ng Templo. Sabi niya, “Maayos po ang takbo ng lahat ng gawaing ipinagkatiwala ninyo sa inyong mga lingkod. Tinunaw na po nila ang pilak na nakuha sa Templo at ibinigay sa namamahala ng trabaho.” Sinabi rin ng kalihim ang tungkol sa aklat na ibinigay sa kanya ng paring si Hilkias at binasa niya ito nang malakas sa hari. Nang marinig ng hari ang nilalaman ng aklat, pinunit nito ang kanyang kasuotan. Iniutos niya agad kay Hilkias, kay Ahikam na anak ni Safan, kay Abdon na anak ni Mica, kay Safan, na kalihim, at kay Asaias, ang lingkod ng hari, na sumangguni kay Yahweh. Ang sabi niya, “Sumangguni kayo kay Yahweh para sa akin at para sa nalalabing sambayanan ng Juda at Israel. Alamin ninyo ang mga itinuturo ng aklat na ito. Galit si Yahweh sa atin dahil sinuway ng ating mga ninuno ang salita ni Yahweh at hindi nila sinunod ang mga utos na nakasulat sa aklat na ito.” Ang lahat ng inutusan, sa pangunguna ni Hilkias ay sama-samang sumangguni kay Hulda na isang babaing propeta at asawa ni Sallum. Si Sallum ay anak ni Tokat at apo naman ni Hasra na tagapag-ingat ng mga kasuotan. Siya'y pinuntahan nila sa kanyang tirahan sa bagong bahagi ng Jerusalem at sinabi rito ang nangyari. Sinabi ni Hulda: “Ito ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Sabihin ninyo sa nagsugo sa inyo na padadalhan ko ng malaking sakuna ang lugar na ito at padaranasin ng matinding hirap. Mangyayari ang lahat ng sumpang sinasabi sa aklat na binasa sa harapan ng hari ng Juda. Matutupad iyon sapagkat ako'y kanilang itinakwil at sa ibang mga diyos sila naghandog at sumamba. Ginalit nila ako dahil sa mga diyus-diyosang ginawa nila. Kaya't hindi mapapawi ang galit na ibubuhos ko sa bayang ito.’ Ito ang sabihin ninyo sa hari ng Juda. Sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: ‘Nakita kong buong puso kang nagsisi at nagpakumbabá nang marinig mo ang kanyang salita laban sa lugar na ito at sa mamamayan dito. Dahil nagpakumbabá ka, sinira mo ang iyong kasuotan at nakita kong tumangis ka nang marinig mo ang nakahanda kong parusa sa Jerusalem at sa mga naninirahan dito, pinakinggan ko ang iyong panalangin. Kaya, hindi mo na maaabutan ang parusang igagawad ko sa lugar na ito. Isasama kita sa iyong mga ninuno at mamamatay kang mapayapa.’” Ito ang kasagutang dinala nila sa hari. Dahil dito'y ipinatawag ng hari ang mga matatandang pinuno ng sambayanan sa Juda at Jerusalem. Kaya't sama-sama silang pumunta sa Templo kasama ang mga pari, Levita at lahat ng mamamayan sa Juda at Jerusalem. Tumayo ang hari sa harap ng madla at binasa ang buong Aklat ng Tipan na natagpuan sa Templo. Nakatayo noon ang hari malapit sa isang haligi ng Templo. Nanumpa siya kay Yahweh na susundin nila nang buong puso at kaluluwa ang Kautusan at ang mga itinatakda ng kasunduang nakasulat sa aklat na iyon. Pagkatapos, pinanumpa rin niya ang lahat ng taga-Jerusalem pati ang taga-Benjamin na sumunod sa kasunduang ginawa ng Diyos ng kanilang mga ninuno. Inalis ni Josias sa buong nasasakupan ng bayang Israel ang lahat ng mga diyus-diyosang kasuklam-suklam sa Diyos at habang siya'y nabubuhay, inatasan niya ang bawat mamamayan na maglingkod kay Yahweh, ang Diyos na sinamba ng kanilang mga ninuno. Iniutos ni Josias na ang Paskwa ni Yahweh ay ipagdiwang sa Jerusalem noong ikalabing apat na araw ng unang buwan. Kaya't pinatay nila ang mga korderong pampaskwa. Ibinalik niya ang mga pari sa kani-kanilang tungkulin at pinagbilinang pagbutihin ang paglilingkod sa loob ng Templo ni Yahweh. Sinabi naman niya sa mga Levita, na mga tagapagturo sa mga Israelita at matatapat kay Yahweh: “Dalhin ninyo ang Kaban ng Tipan sa Templong ipinagawa ni Solomon na anak ni David. Hindi na ninyo ito papasanin ngayon. Panahon na upang paglingkuran ninyo ang Diyos ninyong si Yahweh at ang bayang Israel. Ayusin ninyo ang inyong mga pangkat na manunungkulan ayon sa kani-kanilang sambahayan batay sa mga tagubilin ni Haring David at ng anak niyang si Solomon. Pagbukud-bukurin ninyo sa bulwagan ng Templo ang inyong mga kababayang hindi Levita ayon din sa sambahayan. Bawat pangkat ay pasasamahan ninyo ng isang pangkat ng mga Levita. Patayin ninyo ang korderong pampaskwa, linisin ninyo ang inyong mga sarili ayon sa Kautusan at ihanda ang mga handog upang magampanan ng inyong mga kababayan ang ayon sa mga bilin ni Yahweh sa pamamagitan ni Moises.” Nagbigay si Josias ng 30,000 kordero at mga batang kambing bilang handog na susunugin bukod pa sa 3,000 torong panghandog para pagsalu-saluhan. Ang mga pinuno sa ilalim niya ay buong puso ring nagkaloob ng handog para sa bayan, sa mga pari at sa mga Levita. Ang mga punong-katiwala naman sa Templo na sina Hilkias, Zacarias at Jehiel ay nagbigay ng dalawang libo at animnaraang tupa para sa mga pari at tatlong daang toro bilang handog pampaskwa. Ang mga pinuno naman ng mga Levita na sina Conanias, Semaya, Nathanael, Hosabias, Jehiel at Jozabad ay nagbigay ng limanlibong kordero at batang kambing para sa mga Levita at limandaang toro bilang handog na pampaskwa. Matapos ihanda ang lahat, tumayo na sa kanya-kanyang puwesto ang mga pari. Ang mga Levita nama'y kasama ng kani-kanilang pangkat ayon sa utos ng hari. Pinatay nila ang mga korderong pampaskwa at ang dugo nito ay ibinuhos ng mga pari sa ibabaw ng altar samantalang binabalatan naman ng mga Levita ang mga hayop. Pagkatapos, kinuha nila ang taba nito at ipinamahagi sa mga tao ayon sa kani-kanilang sambahayan upang ihandog kay Yahweh ayon sa nakasulat sa Aklat ni Moises. Ganoon din ang ginawa nila sa mga toro. Nilitson nila ang korderong pampaskwa ayon sa tuntunin. Ang iba namang karneng handog ay inilaga sa mga palayok, kaldero at kawa at ipinamigay sa mga tao. Pagkatapos nito, naghanda ang mga Levita ng pagkain para sa kanila at sa mga paring mula sa angkan ni Aaron. Sila rin ang naghanda ng pagkain ng mga pari sapagkat hanggang sa gabi ang mga ito'y abalang-abala sa pag-aalay ng mga handog na susunugin at ng mga taba. Nanatili sa kanilang mga puwesto ang mga mang-aawit, ang mga anak ni Asaf ayon sa tuntuning itinakda ni Haring David at ng mga lingkod niyang sina Asaf, Heman at Jeduthun na propeta ng hari. Hindi na rin kailangang umalis ang mga bantay sa pinto sapagkat lahat sila'y dinadalhan ng pagkain ng mga Levita. Ang lahat ay ginawa ayon sa tagubilin ni Haring Josias: ang pagpupuri kay Yahweh, ang pagdiriwang ng Paskwa at ang paghahandog. Pitong araw na ipinagdiwang ng mga Israelita ang Paskwa at ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Mula pa noong panahon ni propeta Samuel, wala pang ganitong pagdiriwang ng Paskwa na naganap sa Israel. Wala ring ibang hari sa Israel na nakagawa ng ginawang ito ni Haring Josias. Siya lamang ang nakapagtipon ng lahat ng pari, Levita at ng mga taga-Juda at taga-Israel kasama ang mga taga-Jerusalem upang ipagdiwang ang Paskwa. Naganap ito noong ikalabing walong taon ng kanyang paghahari. Nang maisaayos na ni Josias ang lahat ng nauukol sa Templo, sinalakay ni Haring Neco ng Egipto ang Carquemis sa may Ilog Eufrates. Hindi ito nagustuhan ni Josias kaya't hinarap niya ito. Dahil dito, nagpadala ng sugo si Neco at sinabi, “Wala tayong dapat pag-awayan, mahal na hari ng Juda. Hindi ikaw ang pinuntahan ko rito kundi ang aking mga kaaway. Sinabi sa akin ng Diyos na tapusin ko agad ito. Kakampi ko ang Diyos kaya't huwag mo na akong hadlangan kung ayaw mong puksain ka niya.” Ngunit hindi nagbago ng isip si Josias. Ipinasiya niyang lumaban. Hindi siya naniwala sa sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Neco. Nagbalatkayo siya at pumunta sa labanan sa kapatagan ng Megido. Sa kainitan ng labanan ay tinamaan si Haring Josias ng palaso at malubhang nasugatan. Kaya't iniutos niya sa kanyang mga tauhan na ilayo na siya roon. Inilipat siya ng mga ito sa ikalawang karwahe at dinala sa Jerusalem. Subalit namatay din siya at inilibing sa libingan ng kanyang mga ninuno. Nagluksa ang buong Juda at Jerusalem dahil sa kanyang pagkamatay. Nagluksa rin si Jeremias at lumikha pa siya ng isang awit ng pagluluksa sa pagkamatay ni Josias. Inaawit pa ito hanggang ngayon ng mga mang-aawit bilang pag-alala sa kanya. Naging kaugalian na ito sa Israel at ang awiting ito'y matatagpuan sa Aklat ng mga Pagluluksa. Ang iba pang mga ginawa ni Josias at ang kanyang paglilingkod sa Diyos, pagsunod sa Kautusan ni Yahweh, buhat sa simula hanggang wakas, ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel at Juda. Nagkaisa ang bayan na si Jehoahaz, anak ni Josias, ang ipalit na hari sa Jerusalem. Dalawampu't tatlong taóng gulang siya nang maging hari at tatlong buwan siyang naghari sa Jerusalem. Binihag siya ni Haring Neco ng Egipto at pinagbuwis niya ng 3,500 kilong pilak at 35 kilong ginto ang Juda. Ang ipinalit kay Jehoahaz bilang hari ng Juda ay ang kapatid nitong si Eliakim. Pinalitan ang kanyang pangalan na Jehoiakim. Si Jehoahaz naman ay dinala sa Egipto. Dalawampu't limang taóng gulang si Jehoiakim nang maging hari at labing-isang taon siyang naghari sa Jerusalem. Ginawa niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Dumating si Nebucadnezar, binihag siya at nakakadenang dinala sa Babilonia. Kinuha ni Nebucadnezar ang mga kagamitan sa Templo ni Yahweh at inilipat sa kanyang palasyo sa Babilonia. Ang iba pang mga pangyayari sa panahon ni Jehoiakim, pati ang mga kasamaang ginawa niya at ang iba pang kasalanan niya ay nakasulat sa Kasaysayan ng mga Hari ng Israel at Juda. Pumalit sa kanya bilang hari ang anak niyang si Jehoiakin. Walong taóng gulang si Jehoiakin nang maging hari at tatlong buwan at sampung araw lamang siyang naghari sa Jerusalem. Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Sa pagtatapos ng taon, ipinakuha siya ni Haring Nebucadnezar pati ang mahahalagang kagamitan sa Templo at dinala sa Babilonia. Ang ipinalit sa kanya bilang hari ay si Zedekias na kanyang tiyuhin. Dalawampu't isang taóng gulang si Zedekias nang maging hari ng Juda at labing-isang taon siyang naghari sa Jerusalem. Ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Hindi siya nagpakumbabá at hindi rin sumunod sa ipinangaral ni propeta Jeremias, na nagpahayag ng mensahe ni Yahweh. Naghimagsik si Zedekias laban kay Haring Nebucadnezar na pinangakuan niya sa pangalan ng Diyos na kanyang susundin. Nagmatigas siya at ayaw magsisi at manumbalik kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. Sumamâ nang sumamâ ang mga pinuno ng Juda, ang mga pari at ang mga mamamayan. Tinularan nila ang kasuklam-suklam na gawain ng ibang bansa. Pati ang Templo sa Jerusalem na inilaan ni Yahweh para sa kanyang sarili ay kanilang nilapastangan. Gayunman, dahil sa habag ni Yahweh sa kanila at sa pagmamalasakit niya sa kanyang Templo, nagpatuloy siya sa pagpapadala ng mga sugo upang bigyan sila ng babala. Ngunit hinahamak lamang nila ang mga ito, pinagtatawanan ang mga propeta at binabale-wala ang mga babala ng Diyos. Dahil dito'y umabot sa sukdulan ang galit ni Yahweh sa kanyang bayan at hindi na sila makaiwas sa kanyang pagpaparusa. Dahil dito, ginamit niya ang hari ng Babilonia upang patayin sa tabak maging sa loob ng Templo ang kanilang mga kabataan. Wala itong iginalang, binata man o dalaga, kahit ang matatanda. Ipinaubaya sila ng Diyos sa kapangyarihan ng hari. Lahat ng kagamitan, malalaki at maliliit sa loob ng Templo ni Yahweh, pati ang kayamanang naroon, gayundin ang sa hari at mga opisyal nito ay dinala sa Babilonia. Sinunog nila ang Templo, winasak ang pader ng Jerusalem at ang malalaking gusali. Ang mahahalagang ari-arian doon ay sinunog din, at ang lahat ay iniwan nilang wasak. Ang mga hindi napatay ay dinala nilang bihag sa Babilonia. Inalipin sila roon ng hari at ng kanyang mga anak hanggang ang Babilonia ay masakop ng Persia. Ito ang katuparan ng pahayag ni Jeremias na ang lupain ay mananatiling tiwangwang sa loob ng pitumpung taon upang makapagpahinga. Upang matupad ang sinabi niyang ito sa pamamagitan ni Jeremias, inudyukan ni Yahweh si Ciro, hari ng Persia noong unang taon ng kanyang paghahari. Nagpalabas ang haring ito ng isang pahayag sa buong kaharian na ganito ang isinasaad: “Ito ang pahayag ni Haring Ciro ng Persia: ‘Ipinaubaya sa akin ni Yahweh, ang Diyos ng kalangitan, ang lahat ng kaharian sa daigdig at inutusan niya akong magtayo para sa kanya ng Templo sa Jerusalem ng Juda. Kaya, ang sinuman sa inyo na kabilang sa kanyang bayan ay pinahihintulutan kong pumunta sa Jerusalem. Samahan nawa kayo ng Diyos ninyong si Yahweh.’” Noong unang taon ng paghahari ni Ciro sa Persia, natupad ang sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Jeremias nang udyukan ni Yahweh si Ciro na isulat at ipahayag sa buong kaharian ang utos na ito: “Ito ang utos ni Emperador Ciro, ng Persia: Ibinigay sa akin ni Yahweh, ang Diyos ng kalangitan, ang lahat ng kaharian sa buong daigdig at inatasan niya ako na ipagtayo ko siya ng templo sa Jerusalem na nasa Juda. Kayo na kanyang bayan, patnubayan nawa kayo ng inyong Diyos sa pagbabalik ninyo sa Jerusalem upang muling maitayo roon ang Templo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, ang Diyos na sinasamba sa Jerusalem. Sinuman sa inyo na nangingibang-bayan, kung nais bumalik doon, dapat siyang tulungan ng kanyang mga kababayan. Dapat siyang bigyan ng pilak at ginto, mga bagay na kakailanganin, at mga hayop, gayundin ng mga kusang-kaloob na handog para sa Templo ni Yahweh sa Jerusalem.” Bilang tugon, agad na nagsipaghanda ang mga pinuno ng mga lipi ng Juda at Benjamin, gayundin ang mga pari at ang mga Levita, at ang mga iba pang inudyukan ng espiritu ng Diyos upang muling itayo ang Templo ni Yahweh sa Jerusalem. Tinulungan sila ng lahat ng mga nakapalibot sa kanila. Binigyan sila ng mga pilak at gintong lalagyan, mga bagay na kakailanganin, mga hayop, iba pang mamahaling gamit, bukod pa sa mga kusang-kaloob na handog para sa Templo. Ibinalik naman sa kanila ni Haring Ciro ang mga mangkok at tasa na dinala ni Haring Nebucadnezar sa templo ng kanyang mga diyos pagkatapos na kunin ang mga iyon mula sa Templo ni Yahweh. Ipinagkatiwala ni Haring Ciro kay Mitredat na ingat-yaman ng kaharian ang pagbilang sa mga bagay na ibinalik. Ang mga ito'y binilang ni Metridat sa harap ni Sesbazar na tagapamahala ng Juda. Lahat-lahat, umabot sa 5,400 ang bilang ng mga lalagyang ginto at pilak na dinala ni Sesbazar nang bumalik siya sa Jerusalem mula sa Babilonia kasama ng iba pang mga dinalang-bihag doon. Ito ang listahan ng mga dinalang-bihag sa lalawigan ng Babilonia na bumalik sa Jerusalem at sa kani-kanilang bayan sa Juda. Nanirahan ang kanilang mga pamilya sa Babilonia simula pa nang ang mga ito ay dalhing-bihag doon ni Haring Nebucadnezar. Sa kanilang pagbabalik pinangunahan sila nina Zerubabel, Josue, Nehemias, Seraias, Reelaias, Mordecai, Bilsan, Mispar, Bigvai, Rehum, at Baana. Ito ang bilang ng mga angkan ng Israel na bumalik mula sa pagkabihag: Ang kabuuang bilang ng mga nagmula sa angkan ng mga manggagawa sa Templo at ng mga lingkod ni Solomon na bumalik mula sa pagkabihag ay 392. Sinabihan sila ng tagapamahalang Judio na hindi sila maaaring kumain ng mga pagkaing handog sa Diyos hanggang wala pang pari na maaaring sumangguni sa Urim at Tumim. Nang dumating na sa Templo ni Yahweh sa Jerusalem ang mga bumalik mula sa pagkabihag, ilan sa mga pinuno ng mga angkan ang nagbigay ng kusang-loob na handog upang gamitin sa muling pagtatayo ng Templo sa dating kinatatayuan nito. Ibinigay nila ang buo nilang makakaya para sa gawaing ito, at ang kabuuang naipon ay 500 kilong ginto, 2,800 kilong pilak, at sandaang kasuotan ng mga pari. Ang mga pari, ang mga Levita, at ang ilang mga tao ay nanirahan sa loob mismo ng lunsod ng Jerusalem at sa palibot nito. Ang mga manunugtog, ang mga bantay sa Templo, at ang mga manggagawa sa Templo ay nanirahan naman sa mga karatig-bayan. Ang ibang mga Israelita ay nanirahan sa mga bayang pinagmulan ng kani-kanilang mga ninuno. Pagsapit ng ika-7 buwan, ang mga Israelita ay panatag nang nanirahan sa kani-kanilang bayan. Isang araw, lahat sila'y sama-samang nagtipon sa Jerusalem. Ang altar ng Diyos ng Israel ay muling itinayo ni Josue na anak ni Jehozadak, kasama ang kanyang mga kapwa-pari at si Zerubabel na anak ni Sealtiel, gayundin ang mga kamag-anak nito. Ginawa nila ito upang makapag-alay sa altar ng mga handog na susunugin ayon sa nakasulat sa kautusan ni Moises na lingkod ng Diyos. Bagama't takot sa mga naninirahan sa lupain ang mga nagsibalik na Judio, itinayo pa rin nila sa dating lugar ang altar. Doon ay muli silang nag-alay ng mga handog na susunugin para kay Yahweh sa umaga at sa gabi. Ipinagdiwang din nila ang Pista ng mga Tolda gaya ng nakasulat, at araw-araw ay nagsusunog sila ng mga handog na ukol sa bawat araw. Bukod dito, nag-alay sila ng mga palagiang handog na sinusunog, mga handog para sa panahon ng Pista ng Bagong Buwan at para sa lahat ng kapistahang itinalaga ni Yahweh. Nag-alay din sila ng mga kusang-loob na handog para kay Yahweh. Sa pagsapit ng unang araw ng ika-7 buwan, sinimulan na nilang maghandog kay Yahweh kahit hindi pa nasimulang muling itayo ang Templo. Kumuha sila ng mga swelduhang tagatapyas ng bato at mga karpintero. Nagpadala rin sila ng mga pagkain, inumin, at langis sa mga taga-Sidon at taga-Tiro bilang bayad sa mga punong sedar na dadalhin ng mga barko mula sa Lebanon patungo sa daungan ng Joppa. Ang lahat ng ito ay ginawa nang may pahintulot mula kay Haring Ciro ng Persia. Kaya't nagsimula na silang magtrabaho pagsapit ng ika-2 buwan ng ika-2 taon mula nang makabalik sila sa dating kinatatayuan ng Templo ng Diyos sa Jerusalem. Sama-samang nagtrabaho sina Zerubabel na anak ni Sealtiel, at Josue na anak ni Jozadak, kasama ang iba pa nilang mga kababayan, gayundin ang mga pari at Levita. Sa katunayan, kasama sa gawaing ito ang lahat ng bumalik sa Jerusalem mula sa pagkabihag. Inatasan nilang mamahala sa pagtatayo ng Templo ng Diyos ang mga Levita na ang edad ay dalawampung taon pataas. Ang mga nagtatrabaho sa pagtatayo ng Templo ng Diyos ay pinamahalaan nina Josue at ng kanyang mga anak at mga kamag-anak kasama sina Kadmiel at ang kanyang mga anak mula sa angkan ni Hodavias. Kasama rin ang mga anak ni Henadad, ang mga Levita at ang kanilang mga anak at mga kamag-anak. Nang inilalagay na ng mga manggagawa ang pundasyon ng Templo ni Yahweh, pumuwesto na ang mga nakabihis na pari, hawak ang kanilang mga trumpeta pati ang mga Levita na anak ni Asaf, na hawak ang kanilang mga pompiyang. Nagpuri sila kay Yahweh ayon sa paraang itinuro ni Haring David ng Israel. Nagsagutan sila sa pag-awit ng mga papuri at pasasalamat kay Yahweh. Ito ang kanilang inawit: “Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan! Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.” Malakas na isinigaw ng lahat ng tao ang kanilang papuri kay Yahweh sapagkat ang pundasyon ng Templo ni Yahweh ay inilagay na. Marami sa matatandang pari, Levita at pinuno ng mga angkan na nakakita sa unang templo ang umiyak nang malakas habang sinasaksihan ang paglalagay ng pundasyon ng bagong Templo. Marami ring tao ang sumigaw nang may kagalakan. Dahil dito'y hindi na malaman kung alin ang sigaw ng kagalakan at alin ang sigaw ng pag-iyak sapagkat ang ingay ng mga tao ay napakalakas at dinig sa malayo. Nang mabalitaan ng mga kaaway ng Juda at Benjamin na itinatayong muli ng mga bumalik mula sa pagkabihag ang Templo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, kinausap nila si Zerubabel at ang mga pinuno ng mga angkan at sinabi sa kanila, “Tutulungan namin kayo sa pagtatayo ng Templo sapagkat sinasamba rin namin ang inyong Diyos gaya ng pagsamba ninyo sa kanya. Matagal na rin kaming nag-aalay ng handog sa kanya, simula pa noong panahon ni Haring Esarhadon ng Asiria na siyang nagdala sa amin dito.” Ngunit sinabi sa kanila nina Zerubabel, Josue at ng iba pang mga pinuno ng mga angkan, “Wala kayong karapatang tumulong sa amin para itayo ang Templo ng aming Diyos. Gaya ng ipinag-utos ni Haring Ciro ng Persia, kami lamang ang magtatayo nito para kay Yahweh, ang Diyos ng Israel.” Dahil dito, ginulo at tinakot ng mga dati nang naninirahan sa lupaing iyon ang mga Judio upang hindi makapagtrabaho ang mga ito. May sinuhulan din silang mga opisyal ng pamahalaan ng Persia upang kumilos laban sa mga Judio at sirain ang plano ng mga ito. Ginawa nila ito mula noong panahong si Ciro pa ang Emperador ng Persia hanggang sa panahon ng paghahari ni Dario. Sa simula ng paghahari ni Xerxes, ang mga kaaway ng mga Judiong naninirahan sa Juda at Jerusalem ay nagpalabas ng mga nakasulat na paratang laban sa kanila. Noon namang naghahari si Artaxerxes ng Persia, lumiham dito sina Bislam, Mitredat, at Tabeel, kasama ang kanilang mga kapanalig. Sinulat ang liham sa wikang Aramaico kaya't kinailangang isalin sa pagbasa. Sumulat din si Rehum na gobernador at si Simsai na kalihim ni Haring Artaxerxes tungkol sa kanilang pagtutol sa mga nangyayari sa Jerusalem. “Mula kina Rehum na gobernador at Simsai na kalihim; mula sa kanilang mga kapanalig na hukom, pinuno, at sugo na galing sa Erec, Babilonia, at Susa sa lupain ng Elam; kasama ng mga iba pang inilipat at pinatira ng dakila at makapangyarihang si Asurbanipal sa lunsod ng Samaria at sa mga lugar sa lalawigang Kanluran-ng-Eufrates.” Ito ang nilalaman ng liham: “Isang pagbati sa Kanyang Kamahalan, Haring Artaxerxes; buhat sa kanyang mga lingkod sa Kanluran-ng-Eufrates. “Kamahalan, ipinapaabot po namin sa inyong kaalaman na ang mapaghimagsik at masamang lunsod ng Jerusalem ay muling itinatayo ng mga Judio na dumating mula sa mga bayang inyong nasasakupan, at ngayo'y naninirahan doon. Naisaayos na po nila ang mga pundasyon ng lunsod at kasalukuyan namang itinatayo ang mga pader. Kamahalan, kung maitatayo pong muli ang lunsod at pati ang mga pader nito, hindi na magbabayad ng mga buwis ang mga tao roon at mababawasan na ang malilikom na salapi para sa kaharian. Hindi po kami makakapayag na mangyari ito sapagkat kami po'y may pananagutan sa Inyong Kamahalan. Ipinababatid namin ito sa inyo upang siyasatin ang talaan ng kasaysayan ng inyong mga ninuno. Matatagpuan po ninyo at mapapatunayan sa mga nakatalang kasaysayan na ang lunsod na ito ay mapaghimagsik at sakit-ng-ulo ng mga naunang hari at ng mga pinuno ng mga lalawigan. Noon pa ma'y mahirap nang pamahalaan ang mga tao sa lunsod na ito. Iyan po ang dahilan kaya ito'y winasak. Ipinapaalam lamang po namin sa Inyong Kamahalan na kapag naitatag na ang lunsod at ang mga pader nito, tapos na rin po ang inyong pamamahala sa lalawigang Kanluran-ng-Eufrates.” Ito naman ang sagot na ipinadala ng hari: “Para kina Rehum na gobernador at Simsai na kalihim; para sa kanilang mga kapanalig na naninirahan sa Samaria at sa mga lugar na nasa lalawigang Kanluran-ng-Eufrates: Isang pagbati ang pinararating ko sa inyo. “Ang liham na ipinadala ninyo ay isinalin sa aking wika at binasa sa harapan ko. Kaya't ipinag-utos kong gawin ang isang pagsisiyasat, at napatunayan na noon pa mang unang panahon ay naghimagsik na ang mga taga-Jerusalem laban sa mga hari, at ang paghihimagsik at pagsalungat nila sa pamahalaan ay naging karaniwang pangyayari na lamang doon. Binabayaran nga ng buwis ang mga makapangyarihang hari sa Jerusalem na naghari noon sa buong lalawigang Kanluran-ng-Eufrates. Dahil dito, ipag-utos ninyong ihinto na ng mga lalaking iyon ang muling pagtatayo ng lunsod hangga't wala pa akong ipinalalabas na utos tungkol dito. Gawin ninyo agad ito bago pa sila lumikha ng pinsala sa aking kaharian.” Pagkatapos mabasa nina Rehum, Simsai, at ng kanilang mga pinunong kapanalig ang liham ni Haring Artaxerxes, agad silang nagtungo sa Jerusalem at pilit na pinahinto ang mga Judio sa muling pagtatayo ng lunsod. Napahinto nga ang pagtatayo ng Templo sa Jerusalem hanggang sa ika-2 taon ng paghahari ni Dario ng Persia. Nang panahong iyon, ang mga propetang sina Hagai at Zacarias na anak ni Ido ay nagpahayag ng propesiya sa pangalan ng Diyos ng Israel tungkol sa mga Judiong nakatira sa Juda at Jerusalem. Nang marinig sila ni Zerubabel na anak ni Sealtiel at ni Josue na anak ni Jozadak, ipinagpatuloy ng mga ito ang pagtatayo ng Templo ng Diyos sa Jerusalem. Tinulungan sila ng mga propeta ng Diyos. Agad namang dumating si Tatenai na gobernador ng Kanluran-ng-Eufrates at si Setar-bozenai, kasama ang iba pang mga pinuno. Tinanong ng mga ito sina Zerubabel at Josue, “Sinong nag-utos sa inyo na gawin at tapusin ang templong ito?” Tinanong pa nila, “Ano ang mga pangalan ng mga lalaking nagtatrabaho rito?” Ngunit binantayan ng Diyos ang pinuno ng mga Judio kaya't hindi sila pinakialaman ng mga pinunong taga-Persia habang hindi pa nakakapag-ulat ang mga ito kay Emperador Dario at habang hinihintay nila ang sagot ng hari. Ito ang ulat na ipinadala nina Tatenai sa hari: “Sumainyo nawa ang kapayapaan, Haring Dario. “Ipinapaalam po namin sa Inyong Kamahalan na binisita na po namin ang lalawigan ng Juda. Ang Templo po ng dakilang Diyos ay muling itinatayo sa pamamagitan ng malalaking tapyas ng bato at ang mga pader naman nito ay pinapatibay sa pamamagitan ng mga troso. Masigasig po ang kanilang pagtatrabaho at malaking bahagi na ang kanilang nagagawa. “Tinanong po namin ang matatandang pinuno roon kung sinong nag-utos sa kanila na gawing muli at tapusin ang templo. Tinanong din po namin ang kanilang mga pangalan upang maipaalam namin sa inyo kung sinu-sino ang mga nangunguna sa gawaing iyon. “Sinagot po nila kami ng ganito: ‘Kami ang mga lingkod ng Diyos ng langit at lupa, at muli naming itinatayo ang Templo na noong unang panahon ay ipinatayo ng isang makapangyarihang hari ng Israel. Ngunit dahil ginalit ng aming mga ninuno ang Diyos ng kalangitan, sila ay pinabayaan niyang sakupin ng Caldeong si Nebucadnezar, hari ng Babilonia. Winasak ni Nebucadnezar ang Templong ito at ang mga tao ay dinala niyang bihag sa Babilonia. Ngunit, noong unang taon ng paghahari ni Ciro sa Babilonia, nagpalabas ito ng utos para muling itayo ang Templo ng Diyos. Ipinabalik rin ni Haring Ciro ang mga kagamitang ginto at pilak sa Templo. Ang mga iyon ay kinuha ni Nebucadnezar mula sa Templo ng Jerusalem at inilagay sa kanyang templo sa Babilonia. Kaya ipinagkatiwala ni Haring Ciro ang mga kagamitang ito kay Sesbazar na itinalaga niya bilang gobernador ng mga Judio. Sinabi ng hari kay Sesbazar na dalhin ang mga iyon at ilagay sa Templo sa Jerusalem. Iniutos din niya na muling itayo ang Templo sa dati nitong lugar. Kaya't naparito nga si Sesbazar at inilagay ang mga pundasyon ng Templo ng Diyos sa Jerusalem. Noon sinimulan ang pagtatayo ng Templo na nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan. Sa katunayan nga'y hindi pa ito tapos.’ “Ngayon, kung mamarapatin po ng Inyong Kamahalan, ipahanap po ninyo sa mga taguan ng mga kasulatan ng kaharian sa Babilonia kung tunay ngang ipinag-utos ni Haring Ciro na muling itayo ang Templo ng Diyos sa Jerusalem. Hinihiling po namin na ipabatid ninyo sa amin ang inyong pasya sa bagay na ito.” Nagpalabas nga ng isang utos si Haring Dario na saliksikin ang mga kasulatan ng kaharian na nakatago sa Babilonia. At sa lunsod ng Ecbatana, sa palasyong nasa lalawigan ng Media, natagpuan ang isang kasulatan na ganito ang nakasulat: “Nang unang taon ng paghahari ni Ciro, nagpalabas ito ng isang utos na muling itayo ang Templo ng Diyos sa Jerusalem upang doo'y mag-alay at magsunog ng mga handog. Kailangang ang Templo'y 27 metro ang taas at 27 metro rin ang luwang. Ang bawat pundasyon nito'y dapat na tatlong patong ng malalaking bato at sa ibabaw ng mga ito'y ipapatong naman ang isang troso. Lahat ng kaukulang bayad dito ay kukunin mula sa kabang-yaman ng hari. Ang mga ginto't pilak na kagamitan sa Templo ng Diyos na dinala ni Haring Nebucadnezar sa Babilonia ay dapat ding isauli sa pinaglagyan nito sa Templo sa Jerusalem.” Nang mabasa ito ni Haring Dario, gumawa siya ng liham bilang sagot kay Tatenai at sa mga kapanalig nito. “Kay Tatenai na gobernador ng Kanluran-ng-Eufrates, kay Setar-bozenai, at sa mga kasamahan nilang pinuno sa Kanluran-ng-Eufrates. “Huwag na kayong makialam diyan. Hayaan ninyong ipagpatuloy ng gobernador at ng pinuno ng mga Judio ang pagtatayo ng Templo ng Diyos sa dati nitong kinatatayuan. Iniuutos ko ring tumulong kayo sa gawaing ito. Ang lahat ng gastos dito ay kunin ninyo sa kabang-yaman ng kaharian na mula sa mga buwis ng Kanluran-ng-Eufrates. Dapat na bayaran agad ng husto ang mga taong ito upang hindi maantala ang gawain. Kailangang araw-araw kayong magbigay ng lahat ng mga hinihingi ng mga pari sa Jerusalem, gaya ng batang toro, lalaking tupa, at kordero na sinusunog bilang handog sa Diyos ng kalangitan; pati na trigo, asin, alak, at langis. Gawin ninyo ito upang patuloy silang makapag-alay ng mababangong handog sa Diyos ng kalangitan at upang lagi nilang ipanalangin na pagpalain ang hari at ang mga anak nito. Ipinag-uutos ko rin na parusahan ang sinumang sumuway o magtangkang baguhin ang utos kong ito: Isang biga ang huhugutin sa kanyang bahay. Patutulisin ang isang dulo nito at itutuhog sa katawan ng taong iyon. Ang kanyang bahay naman ay gagawing isang bunton ng basura. Pinili ng Diyos ang Jerusalem upang doo'y sambahin siya. Kaya pabagsakin nawa niya ang sinumang hari o alinmang bansa na susuway sa utos na ito at magtatangkang wasakin ang Templong ito ng Diyos sa Jerusalem. Akong si Dario ang nag-uutos nito kaya't dapat itong lubusang ipatupad.” Lubos ngang ipinatupad nina Tatenai na gobernador, at Setar-bozenai, pati na ng kanilang mga kasamahang pinuno, ang ipinag-utos ni Haring Dario. Patuloy namang nagtrabaho ang pinuno ng mga Judio at malaking bahagi na rin ang kanilang nagagawa dahil pinapalakas ng mga propetang sina Hagai at Zacarias ang kanilang loob. Tinapos nila ang pagtatayo ng Templo ayon sa utos ng Diyos ng Israel at ipinatupad nina Ciro, Dario, at Artaxerxes na magkakasunod na naging mga hari ng Persia. Nang ikatlong araw ng ikalabindalawang buwan, sa ikaanim na taon ng paghahari ni Dario, natapos nila ang pagtatayo sa Templo. Ang buong sambayanang Israel—mga pari at Levita, at ang lahat ng bumalik mula sa pagkabihag ay masayang nagdiwang sa pagtatalaga ng Templo ng Diyos. Sa pagtatalagang ito, nag-alay sila ng 100 toro, 200 tupang lalaki, at 400 kordero; labindalawang kambing na lalaki naman ang inihandog nila para sa kasalanan ng buong Israel—isa para sa bawat lipi ng Israel. Inilagay nila ang mga pari at Levita sa kani-kanilang tungkulin para sa paglilingkod sa Diyos sa Templo sa Jerusalem gaya ng nakasulat sa aklat ni Moises. Pagsapit ng ika-14 na araw ng unang buwan ng sumunod na taon, ang Paskwa ay ipinagdiwang ng mga bumalik mula sa pagkabihag. Sama-samang nilinis ng mga pari at Levita ang kanilang mga sarili ayon sa kautusan. At pagkatapos ay pinatay na nila ang mga korderong pampaskwa para sa mga bumalik mula sa pagkabihag, para sa kanilang mga kapwa pari, at para sa kanilang sarili. Ang mga handog ay kinain ng buong sambayanan ng Israel na bumalik mula sa pagkabihag. Kasalo nila ang lahat ng taong nakipagdiwang sa kanila, mga taong tumalikod na sa mga paganong gawain ng mga naninirahan sa lupaing iyon upang sambahin si Yahweh, ang Diyos ng Israel. Sa loob ng pitong araw ay masaya nilang ipinagdiwang ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Tumulong sa kanila ang hari sa pagpapatayo ng Templo ng Diyos ng Israel. Punung-puno sila ng kagalakan dahil niloob ni Yahweh na magmalasakit sa kanila ang hari ng Asiria. Noong ikapitong taon ng paghahari ni Artaxerxes, umalis si Ezra sa Babilonia patungong Jerusalem, kasama ang isang pangkat ng mga Israelita na kinabibilangan ng mga pari at mga Levita, mga mang-aawit, mga bantay sa pinto at mga tagapaglingkod sa Templo. Buong sikap na pinag-aralan ni Ezra ang Kautusan ni Yahweh upang maisagawa niya ito at upang maituro niya sa bayang Israel ang mga batas at tuntunin nito. Ito ang nilalaman ng liham na ibinigay ni Haring Artaxerxes kay Ezra, ang pari at eskriba na dalubhasa sa Kautusang ibinigay ni Yahweh sa Israel: “Buhat kay Haring Artaxerxes; para kay Ezra na pari at eskriba ng Kautusan ng Diyos ng kalangitan, “Ngayo'y ipinag-uutos ko na sinuman sa mga Israelita, mga pari man o mga Levita sa aking kaharian, na gustong sumama sa iyo pabalik sa Jerusalem ay pahihintulutan. Isinusugo kita, at ng aking pitong tagapayo, upang siyasatin ang mga nagaganap sa Jerusalem at Juda. Alamin mo kung sinusunod nilang mabuti ang Kautusan ng iyong Diyos na ipinagkatiwala sa iyo. Dalhin mo ang mga ginto at pilak na ipinagkakaloob ko at ng aking mga tagapayo sa Diyos ng Israel na ang Templo ay nasa Jerusalem. Dalhin mo rin ang lahat ng pilak at gintong ipagkakaloob sa iyo mula sa buong lalawigan ng Babilonia, gayundin ang mga kusang-loob na handog na ibibigay ng mga Israelita at ng kanilang mga pari para sa Templo ng Diyos sa Jerusalem. “Tiyakin mong ang salaping ito ay gagamitin mo sa pagbili ng mga toro, mga lalaking tupa, at mga kordero, pati ng mga handog na pagkaing butil at alak na panghandog. Ihandog mo ang mga ito sa altar ng Templo ng Diyos na nasa Jerusalem. Ang matitirang ginto at pilak ay maaari mong gamitin, pati na ng iyong mga kababayan, sa anumang naisin ninyo ayon sa kalooban ng inyong Diyos. Dalhin mo rin sa Templo ng iyong Diyos sa Jerusalem ang mga kagamitang ibinigay sa iyo para gamitin sa paglilingkod sa Templo. Kung may iba ka pang kakailanganin para sa Templo, kumuha ka mula sa kabang-yaman ng hari. “Ako, si Haring Artaxerxes, ay nag-uutos sa lahat ng ingat-yaman sa lalawigan ng Kanluran-ng-Eufrates na ipagkaloob agad ninyo kay Ezra, na pari at dalubhasa sa Kautusan ng Diyos ng kalangitan, ang anumang hingin niya sa inyo. Maaari ninyo siyang bigyan ng hanggang 3,500 kilong pilak, 100 malalaking sisidlang puno ng trigo, 10 malalaking sisidlang puno ng alak, 10 malalaking sisidlang puno ng langis ng olibo, at gaano man karaming asin na kakailanganin. Ibigay ninyo ang lahat ng kailangan sa templo na ipinag-uutos ng Diyos ng kalangitan. Kung hindi ay baka ibaling niya ang kanyang galit sa aking kaharian at sa aking mga anak. Labag din sa batas na pagbayarin ng buwis ang mga pari, Levita, mang-aawit, bantay sa pinto, manggagawa o iba pang mga naglilingkod sa Templong ito ng Diyos. “At ikaw naman, Ezra, gamitin mo ang karunungang ibinigay sa iyo ng iyong Diyos; maglagay ka ng mga tagapamahala at mga hukom na mangangasiwa sa lahat ng tao sa lalawigan ng Kanluran-ng-Eufrates. Ang ilalagay mo ay ang marurunong sa Kautusan ng Diyos. Sa hindi naman marurunong, ituro mo sa kanila ang Kautusan. Ang lahat ng sumuway sa mga utos ng Diyos o sa mga utos ng hari ay paparusahan ng kamatayan, o pagkabihag, o pagsamsam ng kanyang mga ari-arian, o pagkabilanggo.” Sinabi ni Ezra, “Purihin si Yahweh, ang Diyos ng ating mga ninuno! Inudyukan niya ang hari upang pagandahin ang Templo ni Yahweh na nasa Jerusalem. Sa tulong ng Diyos, napapayag ko ang hari at ang kanyang mga tagapayo, pati ang lahat ng kanyang makapangyarihang pinuno. Lumakas ang aking loob sapagkat pinatnubayan ako ni Yahweh na aking Diyos upang tipunin at isama ang mga pangunahing lalaki ng Israel.” Ito ang listahan ng mga pinuno ng mga angkan na dinalang-bihag sa Babilonia at bumalik na kasama ni Ezra noong panahon ng paghahari ni Artaxerxes: Sa angkan ni Finehas ay si Gersom; sa angkan ni Itamar, si Daniel; sa angkan ni David ay si Hatus na anak ni Secanias; sa angkan ni Paros ay si Zacarias at ang mga kasama niyang 150 lalaki; sa angkan ni Pahat-moab ay si Eliehoenai na anak ni Zeraias at ang kasama nilang 200 lalaki; sa angkan ni Zatu ay si Secanias na anak ni Jahaziel at ang kasama nilang 300 lalaki; sa angkan ni Adin ay si Ebed na anak ni Jonatan at ang kasama nilang limampung lalaki; sa angkan ni Elam ay si Isaya na anak ni Atalias at ang kasama nilang pitumpung lalaki; sa angkan ni Sefatias ay si Zebadias na anak ni Micael at ang kasama nilang walumpung lalaki; sa angkan ni Joab ay si Obadias na anak ni Jehiel at ang kasama nilang 218 lalaki; sa angkan ni Bani ay si Selomit na anak ni Josifias at ang kasama nilang 160 lalaki; sa angkan ni Bebai ay si Zacarias na kanyang anak at ang kasama nilang dalawampu't walong lalaki; sa angkan ni Azgad ay si Johanan na anak ni Hacatan at ang kasama nilang 110 lalaki; sa angkan ni Adonikam ay sina Elifelet, Jeuel, at Semarias ang huling dumating, bukod sa kasama nilang animnapung lalaki; sa angkan ni Bigvai ay sina Utai, Zacur at ang kasama nilang pitumpu. Sinabi ni Ezra, “Tinipon ko sila sa ilog na umaagos papuntang Ahava at tatlong araw kaming tumigil doon. Nalaman ko roon na may mga pari sa grupo ngunit walang Levita. Dahil dito, ipinatawag ko ang mga pinunong sina Eliezer, Ariel, Semaias, Elnatan, Jarib, Elnatan, Natan, Zacarias, at Mesulam at ang mga gurong sina Joiarib at Elnatan. Isinugo ko silang lahat kay Ido na pinuno ng Casifia para hilingin sa kanya at sa kanyang mga kapanalig na manggagawa ng templo na magpadala ng mga taong maglilingkod sa Templo ng Diyos. Sa tulong ng Diyos ay ipinadala nila sa amin si Serebias, isang matalinong lalaking Levita na mula sa angkan ni Mali. May mga kasama siyang anak at kapatid na ang kabuuang bilang ay labingwalo. Ipinadala rin nila sina Hashabias at Jesaias na nagmula sa angkan ni Merari, dalawampung kamag-anak naman ang kasama nito. Napadagdag pa sa kanila ang 220 trabahador ng templo na ang mga ninuno ay inatasan ni Haring David at ng kanyang mga opisyal upang tumulong sa mga Levita. Nakalista lahat ang kanilang mga pangalan. “Doon sa pampang ng Ilog Ahava, sinabi ko sa buong grupo na kaming lahat ay mag-aayuno at maninikluhod sa harap ng aming Diyos upang hilingin sa kanya na patnubayan kami at ingatan sa paglalakbay, pati na ang aming mga anak at mga ari-arian. Nahihiya akong humiling sa hari ng mga kawal na magbabantay sa amin laban sa mga kaaway habang kami'y naglalakbay sapagkat nasabi ko na sa hari na pinapatnubayan ng aming Diyos ang lahat ng nagtitiwala sa kanya. Napopoot siya at nagpaparusa sa mga nagtatakwil sa kanya. Nag-ayuno nga kami at hiniling sa Diyos na nawa'y ingatan kami, at pinakinggan naman niya ang aming kahilingan. “Mula sa mga pangunahing pari ay pinili ko sina Serebias at Hashabias, at sampung iba pa na pawang mga kamag-anak din nila. Pagkatapos ay tinimbang ko at ibinigay sa mga pari ang mga pilak, ginto, at lalagyang ipinagkaloob ng hari at ng kanyang mga tagapayo at mga pinuno, at ng buong Israel upang gamitin sa Templo. Sinabi ko sa kanila, “Kayo'y banal sa harap ni Yahweh, ang Diyos ng inyong mga ninuno; sagrado rin naman ang lahat ng pilak at gintong kagamitan na iniaalay kay Yahweh bilang mga kusang-loob na handog. Ingatan ninyong mabuti ang mga ito hanggang sa makarating kayo sa Templo, sa silid ng mga pari, kung saan titimbangin ang mga ito sa harap ng mga punong pari, mga Levita at mga pinuno ng mga angkan ng Israel sa Jerusalem.” Pinamahalaan nga ng mga pari at mga Levita ang mga ginto, ang mga pilak, at ang mga lalagyan. Kinuha nila ang mga ito at dinala sa Templo ng aming Diyos sa Jerusalem. Umalis kami sa pampang ng Ilog Ahava at naglakbay patungong Jerusalem noong ika-12 araw ng unang buwan. Pinatnubayan kami ng aming Diyos at iningatan kami sa anumang pananalakay at pananambang ng mga kaaway. Pagdating namin sa Jerusalem, tatlong araw kaming nagpahinga roon. Noong ikaapat na araw, nagtungo na kami sa Templo at pagkatapos timbangin doon ang mga pilak, ang mga ginto, at ang mga lalagyan, ipinagkatiwala namin ang mga ito sa paring si Meremot na anak ni Urias, Eleazar na anak ni Finehas at sa mga Levitang sina Jozabad na anak ni Josue at Noadias na anak ni Binui. Ang lahat ay binilang at tinimbang, at ang timbang ng bawat isa ay inilista. Ang lahat ng bumalik mula sa pagkabihag ay nagdala ng mga handog na susunugin para sa Diyos ng Israel. Nag-alay sila ng labindalawang toro para sa buong Israel, siyamnapu't anim na tupang lalaki at pitumpu't pitong kordero; nag-alay din sila ng labindalawang kambing na lalaki bilang handog para sa kasalanan. Ang lahat ng ito'y sinunog bilang handog kay Yahweh. Ibinigay din nila sa mga gobernador at mga pinuno ng lalawigan sa kanluran ng Ilog Eufrates ang nakasulat na utos ng hari. Sa bisa ng utos na ito ay tumulong ang mga pinuno sa buong bayang Israel at sa pagsamba sa Templo ng Diyos. Nang magawâ na ang mga bagay na ito, kinausap ako ng mga pinuno na dala ang ganitong ulat: “Hindi inihiwalay ng bayang Israel—kasama na rito ang mga pari at mga Levita—ang kanilang sarili mula sa mga naninirahan sa lupain gaya ng mga Cananeo, Heteo, Perezeo, Jebuseo, Ammonita, Moabita, Egipcio at Amoreo. Dahil dito, gumaya sila sa mga karumal-dumal na gawain ng mga taong ito. Nakipag-asawa sila at ang kanilang mga anak na lalaki sa mga kababaihan doon. Kaya't ang banal na lahi ay nahaluan ng ibang mga lahi, at ang mga pinuno at tagapanguna pa nila ang pasimuno sa pagtataksil na ito.” Nang marinig ko ito ay sinira ko ang aking damit at balabal; bumunot ako ng buhok sa aking ulo at sa aking balbas at naupong nanlulumo. Nakaupo ako roon na nagdadalamhati hanggang sa oras ng panggabing handog. Maya-maya ay nagdatingan na ang mga tao sa paligid ko. Sila ang mga nabagabag dahil alam nila ang sinabi ng Diyos ng Israel tungkol sa kataksilan ng mga bumalik mula sa pagkabihag. Nang oras na ng pag-aalay ng panggabing handog, tumayo ako sa aking pagdadalamhati na suot pa rin ang aking sirang damit. Lumuhod ako at nanalanging nakataas ang mga kamay kay Yahweh na aking Diyos. Sinabi ko sa kanya, “O Diyos, wala po akong mukhang maiharap sa inyo, sapagkat ang aming kasamaan ay patung-patong na at ngayo'y lampas na sa aming mga ulo. Ang aming kasalanan ay abot na sa langit. Mula pa sa panahon ng aming mga ninuno hanggang ngayon, kami po na inyong bayan ay lubog na sa kasalanan. Dahil po sa aming mga kasalanan, kami—pati ang aming mga hari at mga pari—ay pinabayaan ninyong madaig at masakop ng mga hari ng ibang mga lupain. Pinagpapatay nila kami, binihag, at pinagnakawan. Ganap ang pagyurak na nangyari sa amin maging hanggang sa kasalukuyan. Gayunman, Yahweh na aming Diyos, pinakitaan pa rin ninyo kami ng kagandahang-loob maging ito ma'y sa isang maikling panahon lamang. Ilang tao ang pinalaya ninyo mula sa pagkaalipin at ligtas na pinatira sa banal na dakong ito upang bigyan ninyo ng bagong pag-asa at buhay. Kami po'y mga alipin ngunit hindi ninyo pinabayaan sa pagkaalipin. Sa halip, ipinakita ninyo ang inyong tapat na pag-ibig nang inudyukan ninyo ang mga hari ng Persia na sumang-ayon sa amin at pahintulutan kaming mamuhay at muling itayo ang Templo na noo'y wasak na wasak. Iningatan din ninyo kami sa Juda at sa Jerusalem. “Ngunit ngayon, O aming Diyos, ano pa ang masasabi namin pagkatapos ng lahat ng ito? Muli naming sinuway ang inyong mga utos na sa ami'y ibinigay ninyo sa pamamagitan ng mga lingkod ninyong propeta. Sinabi nila sa amin na ang lupaing aming papasukin at aariin ay isang maruming lupain sapagkat ang mga nakatira rito ay punung-puno ng mga gawaing karumal-dumal. Sinabi rin nila sa amin na kailanma'y huwag kaming mag-aasawa sa mga iyon at huwag din naming tulungang umunlad ang kanilang kabuhayan, kung gusto naming pakinabangan ang mga pagpapala sa lupaing iyon at maipamana namin ito sa aming mga susunod na salinlahi magpakailanman. Kahit naranasan na namin ang inyong parusa dahil sa aming mga kasalanan at kamalian, alam namin, O aming Diyos, na ang parusang iginawad ninyo sa amin ay kulang pa sa dapat naming tanggapin; sa halip, pinahintulutan pa ninyo kaming mabuhay. Muli ba naming susuwayin ang inyong mga utos at makikipag-asawa kami sa mga taong ito na kasuklam-suklam ang mga gawain? Kung gagawin namin ito'y labis kayong mapopoot sa amin at wawasakin ninyo kami hanggang sa maubos. O Yahweh, Diyos ng Israel, kayo ay makatarungan, subalit niloob ninyong may matira sa aming lahi. Inaamin po namin ang aming kasalanan sa inyo at wala po kaming karapatang humarap sa inyo dahil dito.” Habang si Ezra ay nakadapang nananalangin sa harap ng Templo at tumatangis na ipinapahayag ang mga kasalanan ng bayan, pumalibot sa kanya ang napakaraming tao na buong kapaitan ding tumatangis. Pagkatapos ay sinabi sa kanya ni Secanias na anak ni Jehiel, mula sa angkan ni Elam, “Nagtaksil kami sa ating Diyos dahil nag-asawa kami ng mga babaing dayuhan. Gayunma'y may pag-asa pa rin ang Israel sa kabila ng lahat ng ito. Kaya't sumusumpa kami ngayon sa ating Diyos na palalayasin at hihiwalayan namin ang mga babaing ito pati na ang mga anak nila. Gagawin namin ang payo mo at ng iba pang mga pinuno na may paggalang sa utos ng ating Diyos. Tutuparin namin ang anumang itinatakda ng Kautusan. Bumangon ka at gawin mo ito sapagkat ito'y pananagutan mo at kami'y nasa likuran mo.” Tumayo nga si Ezra at pinanumpa niya ang mga pinakapunong pari at Levita, pati na ang buong Israel, na gagawin ng mga ito ang sinabi ni Secanias. Pagkatapos ay umalis si Ezra sa harap ng Templo at pumunta sa silid ni Jehohanan na anak ni Eliasib. Pinalipas niya roon ang magdamag na nagdadalamhati dahil sa kataksilan ng mga bumalik mula sa pagkabihag. Hindi siya kumain ni uminom ng anuman. Isang mensahe ang ipinahayag sa buong Juda at Jerusalem para sa lahat ng bumalik mula sa pagkabihag na kailangang dumalo sila sa isang pagpupulong sa Jerusalem. Ayon sa utos ng mga pinuno, sasamsamin ang lahat ng ari-arian ng sinumang hindi dumalo sa loob ng tatlong araw. Bukod dito ay aalisan pa sila ng karapatang makabilang sa sambayanan ng mga bumalik mula sa pagkabihag. Sa loob ng tatlong araw ang mga kalalakihan ng Juda at Benjamin ay nagtipon nga sa harapan ng Templo ng Diyos sa Jerusalem. Noo'y ika-20 araw ng ika-9 na buwan. Ang mga tao'y nanginginig dahil sa kahalagahan ng bagay na pinag-uusapan at dahil din sa napakalakas na ulan. Tumayo ang paring si Ezra at sinabi sa kanila, “Nagtaksil kayo sa Diyos nang mag-asawa kayo ng mga babaing banyaga at dahil dito'y pinalaki ninyo ang pagkakasala ng Israel. Kaya nga ipahayag ninyo ang inyong mga kasalanan kay Yahweh na Diyos ng inyong mga ninuno, at gawin ninyo ang kanyang kagustuhan. Humiwalay kayo sa mga tagarito; palayasin at hiwalayan din ninyo ang inyong mga asawang banyaga.” Pasigaw na sumagot ang buong kapulungan, “Gagawin namin ang anumang sasabihin mo sa amin! Ngunit masyadong marami ang mga tao at napakalakas ng ulan; hindi kami makakatagal sa labas. Hindi rin naman matatapos ang bagay na ito sa loob lamang ng isa o dalawang araw sapagkat napakarami naming gumawa ng kasalanang ito. Ang mga pinuno na lamang namin ang pananatilihin mo rito para kumatawan sa buong bayan. Pagkatapos ay itakda ninyo ang pagparito ng lahat ng may asawang banyaga, kasama ang matatandang pinuno at mga hukom ng kani-kanilang lunsod. Sa ganitong paraan ay mawawala ang galit ng Diyos dahil sa bagay na ito.” Walang sumalungat sa balak na ito maliban kina Jonatan na anak ni Asahel at Jazeias na anak ni Tikva. Sila nama'y sinuportahan nina Mesulam at Sabetai na isang Levita. Sinang-ayunan nga ng mga bumalik mula sa pagkabihag ang balak na iyon, kaya pumili ang paring si Ezra ng mga lalaki mula sa mga pinuno ng mga angkan at inilista ang kanilang mga pangalan. Nang unang araw ng ika-10 buwan, sinimulan nila ang kanilang pagsisiyasat, at sa loob ng sumunod na tatlong buwan ay nasiyasat nila ang lahat ng kaso ng mga lalaking may mga asawang banyaga. Ito ang listahan ng mga lalaking may asawang banyaga: Sa mga pari, mula sa angkan ni Josue at ng kanyang mga kapatid, ang mga anak ni Jehozadak na sina Maaseias, Eliezer, Jarib, at Gedalia. Nangako silang palalayasin at hihiwalayan ang kani-kanilang mga asawa. Nag-alay din sila ng lalaking tupa bilang handog na pambayad sa kasalanan. Mula sa angkan ni Imer: sina Hanani at Zebadias. Mula sa angkan ni Harim: sina Maaseias, Elias, Semaias, Jehiel, at Uzias. Mula sa angkan ni Pashur: sina Elioenai, Maaseias, Ismael, Netanel, Jozabad, at Elasa. Sa mga Levita: sina Jozabad, Simei, Petahias, Juda, Eliezer, at Kelaias, na kilala rin sa pangalang Kelita. Sa mga mang-aawit: Si Eliasib. Sa mga bantay sa pinto ng Templo: sina Sallum, Telem, at Uri. Mula naman sa angkan ni Paros: sina Ramias, Izias, Malquijas, Mijamin, Eleazar, Malquijas, at Benaias. Mula sa angkan ni Elam: sina Matanias, Zecarias, Jehiel, Abdi, Jeremot, at Elias. Mula sa angkan ni Zatu: sina Elioenai, Eliasib, Matanias, Jeremot, Zabad, at Aziza. Mula sa angkan ni Bebai: sina Jehohanan, Hananias, Zabai, at Atlai. Mula sa angkan ni Bani: sina Mesulam, Maluc, Adaias, Jasub, Seal, at Jeremot. Mula sa angkan ni Pahat-moab: sina Adna, Helal, Benaias, Maaseias, Matanias, Bezalel, Binui, at Manases. Mula sa angkan ni Hasum: sina Matenai, Matata, Zabad, Elifelet, Jeremai, Manases, at Simei. Mula sa angkan ni Nebo: sina Jeiel, Matitias, Zabad, Zebina, Jadai, Joel, at Benaias. Ang lahat ng ito ay may mga asawang banyaga na hiniwalayan nila at pinaalis kasama ang kani-kanilang mga anak. Ito ang kasaysayan ng mga nagawa ni Nehemias na anak ni Hacalias. Noon ay ikasiyam na buwan, ng ikadalawampung taon ng paghahari ni Artaxerxes. Akong si Nehemias ay nasa Lunsod ng Susa, ang kabiserang lunsod, nang dumating ang kapatid kong si Hanani, kasama ang isang pangkat ng mga lalaki mula sa Juda. Kinumusta ko sila tungkol sa Jerusalem at sa mga Judiong nagbalik sa Juda mula sa pagkabihag sa Babilonia. Sumagot sila, “Kawawa naman sila roon. Hinahamak at nilalait ng mga dayuhang nakatira malapit doon.” Sinabi nila na wasak pa ang mga pader ng Jerusalem at ang mga pintuan ng lunsod ay hindi pa nagagawa mula nang sunugin iyon. Nang marinig ko ito, naupo ako at napaiyak. Ilang araw akong nagdalamhati at nag-ayuno. Nanalangin ako ng ganito sa Diyos ng kalangitan: “O Yahweh, Diyos ng kalangitan, kayo ay dakila at nanginginig kami sa takot sa inyong presensya. Matapat ninyong tinutupad ang inyong tipan at wagas na pag-ibig sa mga nagmamahal sa inyo at tumutupad ng inyong mga utos. Pagmasdan ninyo ako at pakinggan ang aking panalangin. Nananalangin ako sa inyo araw at gabi para sa bayang Israel na inyong lingkod. Inaamin ko pong nagkasala kami sa inyo, ako at ang aking mga ninuno. Napakabigat ng aming kasalanan sa inyo! Hindi namin sinunod ang inyong Kautusan. Nilabag namin ang mga tuntuning ibinigay ninyo sa amin sa pamamagitan ng inyong lingkod na si Moises. Sinabi ninyo kay Moises, ‘Kung kayong mga Israelita ay tatalikod sa akin, ikakalat ko kayo sa iba't ibang mga bansa. Subalit kung manunumbalik kayo at tutupad sa aking mga utos, mapadpad man kayo sa pinakamalalayong lugar, titipunin ko kayong muli sa lupaing aking pinili upang sambahin ako roon.’ Sila ang inyong mga lingkod at ang inyong bayan na tinubos sa pamamagitan ng inyong dakilang kapangyarihan at lakas. O Panginoon, pakinggan ninyo ang panalangin ko, at ng iba pang lingkod ninyo na nagnanais magparangal sa inyo. Pagtagumpayin po ninyo ako ngayon at loobin po ninyong kahabagan ako ng hari.” Nang panahong iyon, ako ang namamahala sa mga inumin ng hari. Isang araw ng unang buwan, ika-20 taon ng paghahari ni Artaxerxes, binigyan ko siya ng kanyang inuming alak. Noon lamang niya ako nakitang malungkot. Tinanong niya ako, “Bakit ka nalulungkot? Tingin ko sa iyo'y wala ka namang sakit.” Natakot ako kaya sinabi ko sa hari, “Nawa'y ingatan kayo ng Diyos, habang panahon! Nalulungkot po ako sapagkat ang lunsod na pinaglibingan sa aking mga ninuno ay wasak at ang mga pintuan niyon ay natupok ng apoy.” “Ano ngayon ang nais mo?” tanong ng hari. Nanalangin ako sa Diyos ng kalangitan, at pagkatapos, sinabi ko sa hari, “Kung pahihintulutan po ninyo ako, Kamahalan, nais kong umuwi sa Juda, upang itayong muli ang lunsod na pinaglibingan sa aking mga ninuno.” Sinabi sa akin ng hari na noo'y katabi ng reyna, “Gaano ka katagal roon at kailan ka babalik?” Nagtakda ako ng panahon at malugod naman akong pinahintulutan. Nakiusap ako sa hari na bigyan na rin niya ako ng mga liham para sa mga gobernador ng lalawigan sa Kanluran ng Ilog Eufrates upang paraanin ako patungong Juda. Gumawa rin siya ng sulat para kay Asaf, ang tagapamahala ng kagubatan ng kaharian upang bigyan ako ng mga trosong gagamitin sa pintuan ng muog ng Templo, sa pader ng lunsod at sa bahay na aking titirhan. Ang lahat ng ito ay ginawa ng hari dahil sa kabutihan ng Diyos sa akin. Nang ako'y umalis, pinasamahan pa ako ng hari sa mga pinuno ng hukbo at sa isang hukbong nakakabayo. Pagdaan ko sa mga gobernador ng lalawigan sa Kanluran ng Eufrates, iniabot ko sa kanila ang liham ng hari. Nang malaman ni Sanbalat na Horonita at ni Tobias na isang opisyal na Ammonita na may dumating upang itaguyod ang kapakanan ng mga Israelita, sila'y lubos na nagalit. Dumating ako sa Jerusalem. Tatlong araw na ako roon ay hindi ko pa ipinaalam kaninuman ang ipinagagawa sa akin ng Diyos tungkol sa Jerusalem. Sa gabi nang ikatlong araw, gumising ako at lumabas ng lunsod na may ilang kasama. Ang tanging hayop na dinala namin ay ang asnong aking sinasakyan. Lumabas ako sa Pintuan ng Libis sa daang patungo sa Bukal ng Dragon hanggang sa pintuang papunta sa tapunan ng basura. Sinuri kong mabuti ang giba-gibang pader ng Jerusalem at ang mga nasunog nitong pintuan. Nagpatuloy ako sa Pintuang Bukal hanggang sa Paliguan ng Hari. Pagdating doon, walang madaanan ang sinasakyan kong asno. Kaya't naglakad ako patungong Libis at siniyasat ko ang pader. Pagkatapos ay muli akong pumasok sa Pintuan ng Libis pabalik. Hindi alam ng mga pinuno kung saan ako nanggaling at kung ano ang aking ginawa. Wala pa rin akong sinasabi sa mga Judio—sa mga pari, mga pinuno, mga opisyal, at sa iba pang magkakaroon ng bahagi sa gawain. Pagkatapos, sinabi ko sa kanila, “Nakikita ninyo ang kalunus-lunos na kalagayan ng ating bayan. Wasak ang Jerusalem at sunog ang mga pintuan nito. Itayo nating muli ang pader ng lunsod upang mahango na tayo sa kahihiyan.” At sinabi ko sa kanila kung paano ako pinagpala ng Diyos at kung ano ang sinabi sa akin ng hari. “Kung gayon, simulan na natin ang pagtatayo,” ang sagot nila. Kaya't naghanda nga sila upang simulan ang gawain. Ngunit nang malaman ito nina Sanbalat na Horonita at Tobias na isang opisyal na Ammonita, at maging si Gesem na taga-Arabia, pinagtawanan nila kami at hinamak, at sinabing, “Ano ang ginagawa ninyong iyan? Naghihimagsik ba kayo laban sa hari?” Sinagot ko sila, “Pagtatagumpayin kami ng Diyos ng kalangitan, at kami na kanyang mga lingkod ay magsisimula nang magtayo. Ngunit kayo'y walang bahagi, karapatan o alaala man sa Jerusalem.” Ganito muling itinayo ang nasirang pader ng lunsod. Ang pinakapunong pari na si Eliasib at ang mga kasamahan niyang pari ang muling nagtayo ng Pintuan ng mga Tupa. Binasbasan nila ito at pagkatapos ay nilagyan ng mga pinto. Binasbasan din nila ang pader hanggang sa Tore ng Sandaan, at sa Tore ni Hananel. Ang kasunod na bahagi ay itinayo ng mga taga-Jerico. Si Zacur na anak ni Imri ang nagtayo ng kasunod na bahagi. Ang gumawa ng Pintuan ng Isda ay ang angkan ni Hasenaa. Nilagyan nila ito ng mga posteng pahalang, mga pinto at mga bakal na pangkandado. Ang kasunod na bahagi naman ay ginawa ni Meremot na anak ni Urias at apo naman ni Hakoz. Ang gumawa ng kasunod nito ay si Mesulam na anak ni Berequias at apo ni Mesezabel. Ang kasunod nito ay ginawa naman ni Zadok na anak ni Baana. Ang kasunod na bahagi ay ginawa ng mga taga-Tekoa. Ngunit ang mga maharlika ay tumangging gawin ang mga iniatas ng mga namamahala. Ang muling nag-ayos ng Pintuang Luma ay sina Joiada na anak ni Pasea at si Mesulam na anak ni Besodeias. Sila rin ang naglagay ng mga posteng pahalang, mga pinto at mga bakal na pangkandado. Ang kasunod nito ay ginawa nina Melatias na taga-Gibeon at Jadon na taga-Meronot, at ng mga taga-Gibeon at Mizpa, hanggang sa tirahan ng gobernador ng lalawigan sa Kanluran ng Eufrates. Ang kasunod na bahagi ay ginawa ni Uziel na platero, anak ni Harhaia. Ang sumunod na bahagi hanggang sa Malapad na Pader ay ginawa ni Hananias na manggagawa ng pabango. Ang kasunod na bahagi ay ginawa naman ng anak ni Hur na si Refaias, pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem. Si Jedaias na anak ni Harumaf ang gumawa ng sunod na bahaging malapit sa kanyang bahay. Ang kasunod nito ay ginawa naman ni Hatus na anak ni Hasabneias. Ang bahaging kasunod hanggang sa Tore ng mga Hurno ay ginawa ni Malquias na anak ni Harim at ni Hasub na anak naman ni Pahat-moab. Ang kasunod nito ay ginawa ng anak ni Halohesh na si Sallum, pinuno ng isa pang kalahating distrito ng Jerusalem. Siya'y tinulungan ng kanyang mga anak na babae. Ang Pintuan ng Libis hanggang sa pintuang papunta sa tapunan ng basura ay itinayo ni Hanun at ng mga taga-Zanoa. Sila rin ang nag-ayos ng mga pinto at ng mga bakal na pangkandado. May 450 metro ang haba ng pader na inayos nila. Ang pintuang papunta sa tapunan ng basura ay inayos ng anak ni Recab na si Malquias, pinuno ng distrito ng Beth-hakerem. Siya rin ang naglagay ng mga pinto at ng mga bakal na pangkandado. Ang nag-ayos ng Pintuan ng Bukal ay ang anak ni Colhoze na si Sallum, pinuno ng distrito ng Mizpa. Binubungan niya ito at nilagyan ng mga pintuan at mga bakal na pangkandado. Inayos din niya ang pader ng Ipunan ng Tubig ng Sela, patungo sa halamanan ng hari hanggang sa makababa ng hagdanan mula sa Lunsod ni David. Mula naman doon hanggang sa tapat ng libingan ni David, tipunan ng tubig at ng himpilan ng mga bantay, ang nag-ayos ay ang anak ni Azbuk na si Nehemias, pinuno ng kalahating distrito ng Beth-sur. Ito naman ang mga Levitang nagtayo ng mga kasunod na bahagi ng pader: Si Rehum na anak ni Bani ang gumawa ng kasunod na bahagi. Ang sumunod na bahagi ay ginawa ni Hashabias, pinuno ng kalahating distrito ng Keila. Ang anak ni Henadad na si Bavai, pinuno ng kalahating distrito ng Keila ang siya namang gumawa ng kasunod na bahagi. Ang gumawa naman ng kasunod na bahagi ay ang anak ni Jeshua na si Ezer, pinuno ng Mizpa. Siya ang gumawa ng bahaging paakyat hanggang sa tapat ng taguan ng mga sandata. Ang anak ni Zabai na si Baruc ang gumawa ng kasunod na bahagi, mula sa taguan ng mga sandata hanggang sa pintuan ng bahay ni Eliasib na pinakapunong pari. Ang kasunod na bahagi ay ginawa ng anak ni Urias at apo ni Hakoz na si Meremot. Ito'y umabot hanggang sa dulo ng bahay ni Eliasib. Ang mga sumusunod na pari ay nagtayo rin ng mga kasunod na bahagi ng pader: Ang mga pari sa paligid ng Jerusalem ang gumawa ng kasunod na bahagi. Sina Benjamin at Hasub ang nag-ayos ng kasunod na bahagi na nasa harapan ng kanilang mga bahay. Si Azarias na anak ni Maaseias at apo ni Ananias ang gumawa ng kasunod na bahagi sa tapat ng kanyang bahay. Mula dito hanggang sa sulok ng pader ang nag-ayos naman ay si Binui na anak ni Henadad. Ang mga taga-Tekoa naman ang nag-ayos ng bahagi mula sa toreng nagsisilbing bantay sa Templo hanggang sa Pader ng Ofel. Isang pangkat ng mga pari ang nag-ayos ng pader sa pahilaga mula sa Pintuan ng Kabayo. Ginawa ng bawat isa ang bahaging nasa tapat ng kanyang bahay. Si Zadok na anak ni Immer ang gumawa ng bahaging nasa tapat ng kanyang tahanan. Ang kasunod nito'y ginawa ng anak ni Secanias na si Semaias, tagapamahala ng Pintuang Silangan. Si Hananias na anak ni Selemias at si Hanun, pang-anim na anak ni Zalaf ang gumawa naman ng kasunod na bahagi. Ito'y pangalawang bahagi na kanilang ginawa. Si Mesulam na anak ni Berequias naman ang nag-ayos ng pader sa tapat ng kanyang bahay. Ang kasunod nito ay ginawa naman ni Malquias na isang platero. Ang ginawa niya'y umabot hanggang sa bahay ng mga katulong sa Templo at ng mga mangangalakal. Ang bahaging ito ay nasa tapat ng Pintuang Bantayan malapit sa silid na nasa itaas ng hilagang-silangang kanto ng pader. Mula naman dito hanggang sa Pintuan ng mga Tupa, ang mga platero at mga mangangalakal ang nag-ayos ng pader. Nabalitaan ni Sanbalat na aming itinatayong muli ang pader. Nagalit siya at kinutya kaming mga Judio. Sa harapan ng kanyang mga kasama at mga hukbo ng Samaria ay sinabi niya, “Ano kaya ang iniisip ng mga kawawang Judiong ito? Itayong muli ang Jerusalem sa pamamagitan ng pag-aalay ng mga handog at gawin iyon sa loob ng isang araw? Akala ba nila'y magagamit pa nila ang mga nasunog at nadurog na bato roon?” Sa tabi niya'y nagsalita naman si Tobias na Ammonita, “Ano bang klaseng pader ang gagawin ng mga Judiong iyan? Madaanan lamang iyon ng asong-gubat ay tiyak na guguho na!” Sa narinig kong ito, ako ay nanalangin, “Tingnan mo kami O Diyos kung paano kami kinukutya! Mangyari sana sa kanila ang masamang hangad nila laban sa amin. Maubos nawa ang kanilang ari-arian at madala silang bihag sa ibang lupain. Huwag mo silang patawarin at huwag mong kalimutan ang kanilang mga kasalanan, sapagkat hinamak nila kaming mga nagtatrabaho.” Lalo kaming nagpatuloy sa pagtatayo ng pader, kaya't hindi nagtagal at nangalahati na ang taas nito dahil masigasig ang mga tao sa pagtatrabaho. Nang mabalitaan nina Sanbalat, Tobias at ng mga taga-Arabia, Ammon at Asdod na halos mabuo na namin ang pader ng Jerusalem at ang mga butas nito ay natakpan na, lalo silang nagalit. Nagkaisa silang salakayin ang Jerusalem upang kami'y guluhin. Kaya nanalangin kami sa aming Diyos at nagtalaga kami ng mga bantay araw at gabi. Ang mga taga-Juda ay may ganitong awit: “Nanghihina kami sa bigat ng pasan, at sobrang dami ng batong nabuwal. Hindi namin kaya ang hirap na ito na itayo ang pader sa maghapong trabaho.” Akala ng aming mga kaaway ay hindi namin sila makikita at hindi namin alam ang kanilang binabalak na pagsalakay. Iniisip nilang mapupuksa nila kami at mahihinto ang aming gawain. Hindi nila alam na ang mga Judio na nakatirang kasama nila ay laging nagbabalita sa amin ng tungkol sa kanilang masamang balak. Kaya't nagtalaga ako ng mga bantay sa ibaba, sa likod ng pader, at sa mga lugar na hindi pa tapos ang pader. Inilagay ko sila sa gawaing ito ayon sa kani-kanilang angkan. Binigyan ko sila ng iba't ibang sandata gaya ng espada, sibat at pana. Binisita ko ang mga tao at sinabi ko sa mga pinuno at hukom at sa lahat ng naroon, “Huwag kayong matakot sa mga kaaway. Alalahanin nating dakila at kamangha-mangha si Yahweh. Ipagtanggol ninyo ang inyong mga kababayan, ang inyong mga anak, inyong mga asawa at mga tahanan.” Nabalitaan ng mga kaaway na alam natin ang kanilang mga balak, at napag-isip-isip nilang hinahadlangan sila ng Diyos. Kaya ang lahat ay nagpatuloy sa paggawa ng pader. Simula noon, kalahati na lamang ng aking mga tauhan ang gumagawa ng pader at ang kalahati naman ay nagbabantay. Ang mga bantay ay may dalang sibat, kalasag, pana at kasuotang bakal. Ang mga pinuno at mga pangunahing mamamayan ay nagbibigay ng kanilang lubusang tulong sa gumagawa ng pader. Hawak sa isang kamay ng mga nagpapasan ang kanilang dala, at sandata naman ang hawak sa kabilang kamay. Ang mga gumagawa sa pader ay may sariling espada na nakalagay sa kanyang baywang, at nasa tabi ko naman ang isang may hawak na trumpeta. Sinabi ko sa mga pinuno, sa mga hukom at sa mga taong-bayan, “Malaki ang ating gawain at malalayo ang ating pagitan habang tayo'y nagtatrabaho, kaya't tuwing maririnig ninyo ang tunog ng trumpeta, magtipun-tipon tayo sa kinatatayuan ko. Ipaglalaban tayo ng Diyos natin.” At nagpatuloy kami sa pagtatrabaho araw-araw. Ang kalahati ay may dalang sibat mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglabas ng mga bituin. Sinabi ko rin sa mga tao, “Lahat ng lalaki at mga alipin ay kailangang magpalipas ng gabi sa loob ng Jerusalem at maging handa sa anumang pagsalakay kung gabi at sa araw ay magtrabaho naman.” Kaya't ako, ang aking mga kasamahan, mga tauhan, at mga bantay ay laging nakahanda at laging may hawak na sandata. Dumating ang panahon na ang mga mamamayan, lalaki man o babae, ay nagreklamo laban sa kanilang kapwa Judio. Sinabi ng ilan, “Malaki ang aming pamilya at kailangan namin ng trigong makakain upang mabuhay.” Sinabi naman ng iba na nakapagsangla sila ng kanilang mga bukirin, ubasan at mga bahay, huwag lamang silang magutom. May nagsasabi namang, “Nakapangutang kami makapagbuwis lamang sa hari para sa aming mga bukirin at ubasan. Kami'y mga Judio rin at ang mga anak namin ay tulad din ng kanilang mga anak! Ngunit ipinapaalila namin ang aming mga anak. Sa katunayan, ang ilan sa mga anak naming babae ay naipagbili na namin para maging alipin. Wala kaming magawâ sapagkat ang aming mga bukirin at ubasan ay kinamkam na sa amin.” Labis akong nagalit nang marinig ko ang mga reklamong ito. Nagpasya akong harapin ang mga pinuno at mga hukom. Pinaratangan ko sila ng ganito: “Ano't nagawa ninyong magpautang nang may tubo sa inyong mga kababayan?” Kaya't tinipon ko ang mga tao sa isang pangkalahatang pulong. Sinabi ko, “Sinikap nating mapalaya ang ating kapwa-Judio na naipagbili sa ibang bansa. Ngayon nama'y kayo ang nanggigipit sa kanila upang ipagbili ang kanilang sarili sa inyo na mga kapwa nila Judio!” Hindi makapagsalita ang mga pinuno. “Mali ang inyong ginagawa,” patuloy ko. “Dapat kayong matakot sa Diyos at gumawa nang mabuti upang hindi tayo hamakin ng mga pagano. Ang mga kababayan nating nagigipit ay pinahiram ko na ng salapi at pagkain. Ganoon din ang ginawa ng aking mga kamag-anak at mga tauhan. Huwag na natin silang pagbayarin ng interes ng kanilang pagkakautang. Ngayon di'y ibalik ninyo ang mga bukirin at ubasan sa mga may utang sa inyo, pati ang kanilang mga taniman ng olibo, at tahanan. Ibalik din ninyo ang naging interes ng perang ipinahiram ninyo, gayundin ang mga trigo, alak at langis na ipinahiram ninyo sa kanila.” “Ibabalik namin ang lahat ng iyon sa kanila,” sagot nila. “Hindi na namin sila sisingilin. Tutuparin namin ang hinihingi mo.” Ipinatawag ko ang mga pari at pinanumpa sa harap nila ang mga pinuno upang tuparin ng mga ito ang kanilang pangako. Ipinagpag ko ang aking kasuotan at sinabi ko, “Ganyan nawa ang gawin ng Diyos sa mga ari-arian ng mga taong hindi tumupad sa kanyang pangako. Ipagpag din sana silang tulad nito at maghirap.” Lahat ng naroo'y sumang-ayon at sinabi, “Mangyari nawa ang sinabi ninyo.” Pinuri nila si Yahweh at tinupad ng mga tao ang kanilang pangako. Sa loob ng labindalawang taon na naglingkod ako bilang gobernador ng Juda, mula nang ika-20 taon ng paghahari ni Artaxerxes hanggang ika-32 taon, ako, ni ang aking mga kamag-anak ay hindi kumain ng pagkaing nauukol sa gobernador. Ang mga naunang gobernador sa Juda ay naging pabigat sa mga tao na hinihingan nila ng pagkain at ng alak bukod pa sa apatnapung pirasong pilak. Maging ang mga katulong nila'y katulong din sa pagpapahirap. Ngunit hindi ko ginawa iyon, sapagkat ako'y may takot sa Diyos. Ginawa ko ang lahat upang muling maitayo ang pader sa tulong ng aking mga tauhan. Hindi ako naghangad ng anumang ari-arian. Ako'y laging nagpapakain ng 150 panauhing Judio, gayundin ng aming mga pinuno bukod sa mga taong dumarating mula sa mga malalapit na bansa. Araw-araw ay nagpapakatay ako ng isang toro, anim na matatabang tupa, at maraming manok at tuwing ikasampung araw ay naglalabas ako ng maraming alak. Sa kabila ng lahat ng ito, hindi ko pa rin kinuha ang pagkaing nauukol sa gobernador, sapagkat alam kong ang mga tao'y naghihirap. Alalahanin mo ako, O Diyos, sa lahat ng aking ginawa alang-alang sa sambayanang ito. Nabalitaan nina Sanbalat, Tobias at ni Gesem na taga-Arabia, pati ng iba naming mga kaaway, na naitayo ko na ang pader at wala na itong butas bagaman hindi ko pa nailalagay ang mga pinto nito. Inanyayahan ako nina Sanbalat at Gesem na makipag-usap sa kanila sa isang nayon sa Kapatagan ng Ono. Alam kong may masama silang balak sa akin. Kaya't nagpadala ako ng mga sugo para sabihin sa kanila, “Mahalaga ang aking ginagawa rito kaya hindi ako makakapunta riyan. Hindi ko maaaring ipatigil ang trabaho rito para makipagkita lamang sa inyo.” Apat na beses nila akong inanyayahan at apat na beses ko rin silang tinanggihan. Sa ikalimang pagkakataon ay inanyayahan akong muli ni Sanbalat sa pamamagitan ng isang bukás na liham na ganito ang mensahe: “Balitang-balita sa iba't ibang bansa at pinapatunayan ni Gesem na ikaw at ang mga Judio ay nagbabalak maghimagsik, kaya itinatayo mong muli ang pader. May balita pang gusto mong maging hari. Sinasabi pang may mga propeta kang inutusan upang ipahayag sa Jerusalem na ikaw na ang hari ng Juda. Tiyak na alam na ito ng hari, kaya pumarito ka agad at pag-usapan natin ang bagay na ito.” Ito naman ang sagot ko, “Walang katotohanan ang mga pinagsasasabi mo. Gawa-gawa mo lamang ang mga iyan.” Tinatakot nila kami upang itigil ang gawain. Nanalangin ako, “O Diyos, palakasin po ninyo ako.” Minsan ay dinalaw ko si Semaya na anak ni Delaias at apo ni Mehetabel, sapagkat hindi siya makaalis sa kanyang bahay. Sinabi niya sa akin, “Halika. Pumunta tayo doon sa Templo, sa tahanan ng Diyos, at doon ka magtago. Sapagkat anumang oras ngayong gabi ay papatayin ka nila.” Ngunit sumagot ako, “Hindi ako ang lalaking tumatakbo o nagtatago! Akala mo ba'y magtatago ako sa Templo para iligtas ang aking sarili? Hindi ko gagawin iyon.” Napag-isip-isip kong hindi isinugo ng Diyos si Semaya. Binayaran lamang siya nina Sanbalat at Tobias upang ako'y bigyan niya ng babala. Sinuhulan lamang nila siya upang takutin ako at itulak sa pagkakasala. Sa ganoong paraan, masisira nila ang aking pangalan at ilagay ako sa kahihiyan. Nanalangin ako, “O Diyos, parusahan po ninyo sina Tobias at Sanbalat sa ginawa nila sa akin. Gayundin po ang gawin ninyo kay Noadias, ang babaing propeta at iba pang mga propeta na nagtangkang takutin ako.” Pagkaraan ng limampu't dalawang araw na paggawa, natapos ang pader noong ikadalawampu't limang araw ng ikaanim na buwan. Nang mabalitaan ng aming mga kaaway sa mga bansang nakapaligid na tapos na ang aming trabaho, napahiya sila at napag-isip-isip nilang ito'y nagawa namin dahil sa tulong ng aming Diyos. Nang panahong iyon, nagsusulatan sina Tobias at ang mga pinuno sa Juda. Maraming taga-Juda ang pumanig sa kanya sapagkat siya'y manugang ng Judiong si Secanias na anak ni Arah. Bukod dito, napangasawa ng anak niyang si Jehohanan ang anak na dalaga ni Mesulam na anak ni Berequias. Sa harapan ko'y lagi nilang pinupuri ang ginawa ni Tobias at lagi nilang ibinabalita sa kanya ang aking sinasabi. At patuloy siyang nagpapadala ng sulat sa akin upang ako'y takutin. Natapos ang pader ng lunsod at naikabit na ang mga pintuan nito. May itinalaga na ring mga bantay, mga mang-aawit, at mga Levita. Pagkatapos nito, ang Jerusalem ay inilagay ko sa pamamahala ng dalawang kalalakihan, si Hanani na aking kapatid at si Hananias na pinuno ng mga bantay sa kuta. Si Hananias ay mapagkakatiwalaan at malaki ang takot sa Diyos kaysa iba. Iniutos kong ang mga pintuan ng Jerusalem ay bubuksan lamang kapag mataas na ang araw, isasara at ikakandado agad paglubog ng araw bago magpahinga ang mga bantay. Iniutos ko ring maglagay sila ng mga bantay-pintuan na taga-Jerusalem. Itinalaga nila ang ilan sa mga ito sa mga bantayan at ang iba nama'y sa malapit sa kani-kanilang bahay. Bagama't malaki ang lunsod ng Jerusalem, kakaunti pa lamang ang mga tao dito at hindi pa nagagawang lahat ang mga bahay. Pinangunahan ako ng Diyos upang tipunin ang mga tao at ang kanilang mga pinuno at mga hukom para suriin ang listahan ng kanilang mga angkan. Natagpuan ko ang listahan ng mga angkan na unang nagbalik mula sa pagkabihag sa Babilonia. Ito ang mga Judiong nabihag ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia at muling nakabalik sa Jerusalem at sa kani-kanilang bayan sa Juda: Ang mga pinuno nila ay sina Zerubabel, Josue, Nehemias, Azarias, Raamias, Nahamani, Mordecai, Bilsan, Misperet, Bigvai, Nehum at Baana. Ito ang listahan ng mga angkan ng mga Levita na nagbalik mula sa pagkabihag: angkan nina Jeshua at Kadmiel mula sa lipi ni Hodavias, 74. Mga mang-aawit sa Templo: angkan ni Asaf, 148. Mga bantay sa Templo: angkan nina Sallum, Ater, Talmon, Akub, Hatita at Sobai, 138. Ang kabuuang bilang ng mga nakabalik na mga manggagawa sa Templo na mga anak ng mga lingkod ni Solomon ay 392. Ito naman ang mga nakabalik sa mga angkan ng pari, ngunit hindi nila napatunayan ang pinagmulan nilang angkan: angkan nina Hobaias, Hakoz at Barzilai. Ang ninuno ng mga paring mula sa angkan ni Barzilai ay napangasawa ng anak na babae ni Barzilai na taga-Gilead, at siya ay tinawag sa pangalan ng kanyang biyenan. Hinanap nila ang kanilang angkan sa listahan ng mga angkan ngunit hindi nakita, kaya sila'y hindi kinilalang mga pari. Pinagbawalan sila ng gobernador na kumain ng pagkaing inialay sa Diyos, hanggang wala pang paring gumagamit ng Urim at Tumim. Ang kabuuan ng mga bihag na nakabalik ay 42,360. Ang mga aliping lalaki at babae ay 7,337 at ang mga mang-aawit na babae at lalaki ay 245. Ang mga pari, mga Levita, mga bantay ng Templo, mga mang-aawit, mga lingkod sa Templo at lahat ng Israelita ay tumira sa mga bayan at lunsod ng Juda. Sumapit ang ikapitong buwan ng taon at ang mga Israelita'y nakabalik na sa kani-kanilang bayan. Nagtipun-tipon silang lahat sa Jerusalem, sa liwasang-bayan sa harapan ng Pintuan ng Tubig. Hiniling nila kay Ezra na pari at dalubhasa sa Kautusan na kunin nito ang aklat ng Kautusan ni Moises na ibinigay ni Yahweh para sa Israel. Kaya't nang unang araw ng ikapitong buwan, kinuha ni Ezra ang aklat. Dinala niya ito sa kapulungang binubuo ng mga lalaki, babae at mga batang may sapat nang gulang at pang-unawa. Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa katanghaliang-tapat, binasa niya ang Kautusan sa harap ng mga taong natitipon sa liwasang-bayan sa harap ng Pintuan ng Tubig. Ang lahat ay nakikinig nang mabuti. Nakatayo si Ezra, ang tagapagturo ng Kautusan, sa isang entabladong kahoy na sadyang ginawa para sa pagkakataong iyon. Sa kanan niya'y nakatayo sina Matitias, Sema, Anaya, Urias, Hilkias at Maaseias. Sa gawing kaliwa nama'y naroon sina Pedaias, Misael, Malquias, Hasum, Hasbadana, Zacarias at Mesulam. Si Ezra ay nakikita ng lahat sapagkat mataas ang kanyang kinatatayuan. Ang lahat ay tumayo nang buksan niya ang aklat. “Purihin si Yahweh, ang dakilang Diyos!” sabi ni Ezra. Itinaas naman ng mga tao ang kanilang mga kamay at sumagot, “Amen, Amen.” Nagsiyuko rin sila at sumamba kay Yahweh. Pagkatapos, tumayo ang mga tao, at ang Kautusa'y ipinaliwanag sa kanila ng mga Levitang sina Jeshua, Bani, Serebias, Jamin, Akub, Sabetai, Hodias, Maaseias, Kelita, Azarias, Jozabad, Hanan at Pelaias. Binasa nila ang Kautusan ng Diyos at isinalin ito sa kanilang wika at ipinaliwanag ito upang maunawaan ng mga tao. Nang malaman ng mga tao ang dapat nilang gawin ayon sa Kautusan, nabagbag ang kanilang kalooban at sila'y umiyak. “Ang araw na ito ay banal para kay Yahweh na inyong Diyos, kaya't huwag kayong malungkot o umiyak,” wika ni Nehemias na gobernador, ni Ezra na pari at dalubhasa sa Kautusan, at ng mga Levita na nagpapaliwanag ng Kautusan. Sinabi nila sa mga tao, “Umuwi na kayo at magdiwang, kumain kayo at uminom ng bagong alak! Bigyan ninyo ang mga walang pagkain at inumin sapagkat ang araw na ito ay banal para kay Yahweh, kaya huwag kayong malungkot. Ang kagalakang dulot ni Yahweh ang magpapalakas sa inyo.” Ang mga taong-bayan ay pinayapa ng mga Levita. Sinabi nila sa mga ito, “Huwag kayong malungkot, sapagkat banal ang araw na ito.” Umuwing masaya ang lahat upang magdiwang. Kumain sila at uminom at binahaginan naman ang mga walang pagkain at inumin sapagkat naunawaan nila ang ipinaliwanag sa kanila. Nang sumunod na araw, nagtipon sa harapan ni Ezra ang mga pinuno ng mga angkan kasama ang mga pari at mga Levita upang pag-aralan ang mga turo ng Kautusan. Natuklasan nila sa Kautusan na nagbigay si Yahweh ng utos kay Moises tungkol sa Pista ng mga Tolda. Sinabi sa utos na dapat silang tumira ng pansamantala sa mga kubol sa kapistahang iyon. Kaya't nagpalabas sila ng utos para sa mga taga-Jerusalem at iba pang mga lunsod at bayan: “Lumabas kayo sa mga burol at pumutol ng mga sanga ng punong olibo, ligaw man o hindi, mirto, palma at iba pang punongkahoy na maraming dahon upang gawing mga kubol.” Sinunod nga nila ang utos. Gumawa sila ng kubol sa kani-kanilang bubungan at bakuran, at sa palibot ng Templo. Gumawa rin sila ng mga kubol sa liwasan sa pagpasok sa Pintuan ng Tubig at sa Pintuan ni Efraim. Ang lahat ng bumalik mula sa pagkabihag ay gumawa ng kanya-kanyang kubol at doon sila tumira. Iyon ang unang pagkakataon na ginawa ito ng mga Israelita mula noong panahon ni Josue na anak ni Nun. Masayang-masaya ang lahat. Ang Aklat ng Kautusan ay binabasa araw-araw, mula sa unang araw hanggang katapusan. Pitong araw silang nagpista at sa ikawalong araw ay nagkaroon sila ng isang banal na pagtitipon bilang pagtatapos ayon sa itinatakda ng Kautusan. Noong ika-24 na araw ng buwan ding iyon, nagtipon ang mga Israelita upang mag-ayuno. Nagsuot sila ng damit-panluksa at naglagay ng abo sa kanilang ulo upang ipahayag ang pagsisisi sa kanilang mga kasalanan. Lumayo sila sa mga dayuhan. Tumayo sila upang ipahayag ang kanilang mga kasalanan at ng kanilang mga ninuno. Nanatili silang nakatayo sa kanilang kinaroroonan sa loob ng tatlong oras samantalang binabasa sa kanila ang Kautusan ni Yahweh na kanilang Diyos. Pagkatapos, tatlong oras din silang nagpahayag ng kanilang mga kasalanan at sumamba kay Yahweh na kanilang Diyos. Noo'y nasa isang entablado ang mga Levitang sina Jeshua, Bani, Kadmiel, Sebanias, Buni, Serebias, Bani at Kenani at nananalangin nang malakas kay Yahweh na kanilang Diyos. Sina Jeshua, Kadmiel, Bani, Hasabneias, Serebias, Hodias, Sebanias at Petahias ay nanawagan sa mga tao upang sumamba. Sabi nila: “Tumayo tayo at purihin ang Diyos nating si Yahweh. Purihin siya ngayon at magpakailanman! Purihin ang kanyang dakilang pangalan, na higit na dakila sa lahat ng papuri!” At ang lahat ay sama-samang nanalangin ng ganito: “Yahweh, ikaw lamang ang Panginoon; ikaw ang lumikha ng kalangitan at ginawa mo ang lupa, ang langit ng mga langit, ang lahat ng bituin doon, at lahat ng narito; ang dagat at ang lahat ng naroroon. Binibigyang buhay mo sila, at ika'y sinasamba ng buong kalangitan. Ikaw, Yahweh, ang Diyos na pumili kay Abram. Ikaw ang tumawag sa kanya mula sa bayan ng Ur, sa Caldea at pinangalanan mo siyang Abraham. Nakita mo siyang tapat sa inyo at gumawa ka ng kasunduan sa kanya. Ipinangako mo sa kanya at sa kanyang magiging mga anak na ibibigay sa kanila ang lupain ng mga Cananeo, ng mga Heteo, Amoreo, Perezeo, Jebuseo at Gergeseo. Tinupad mo ang iyong pangako sa kanila sapagkat ikaw ay tunay na matapat. “Nakita mo ang paghihirap ng aming mga ninuno sa Egipto. Narinig mo ang pagtangis nila sa Dagat na Pula. Gumawa ka ng mga himala at mga bagay na kamangha-mangha laban sa Faraon, laban sa kanyang mga lingkod at sa mga mamamayan ng kanyang lupain, sapagkat alam mong pinagmalupitan nila ang aming mga ninuno. Ang pangalan mo'y tanyag magpahanggang ngayon. Sa kanilang harapa'y hinati mo ang dagat, at sa gitna nito'y dumaan sila sa tuyong lupa. Ang mga humabol sa kanila'y nilunod mong lahat, parang mga batong lumubog sa nagngangalit na dagat. Pinatnubayan mo sila ng haliging ulap kung araw, at haliging apoy kung gabi, upang matanglawan ang kanilang paglalakbay. Mula sa langit ay bumabâ ka sa Bundok Sinai at kinausap mo ang iyong bayan. Binigyan mo sila ng mga tuntuning makatarungan, mga batas na maaasahan at mabubuting kautusan. Itinuro mo sa kanilang ipangilin ang Araw ng Pamamahinga at ibinigay mo sa kanila ang iyong Kautusan sa pamamagitan ni Moises na iyong lingkod. “Nang sila'y magutom, binigyan mo sila ng pagkaing mula sa langit; at nang sila'y mauhaw, pinainom mo ng tubig mula sa bato. At sa kanila'y sinabi mo na sakupin ang lupaing sa kanila'y ipinangako mong ibigay. Ngunit naging palalo ang aming mga ninuno, nagmatigas sila at sinuway ang mga utos mo. Hindi sila sumunod at nilimot ang mga himalang iyong ginawa para sa kanila. Naging matigas ang kanilang ulo at naglagay ng pinuno na mangunguna sa kanila pabalik sa pagkaalipin sa Egipto. Ngunit ikaw ay Diyos na mapagpatawad at mahabagin, hindi madaling magalit at sagana sa wagas na pag-ibig, kaya't sila'y hindi mo itinakwil. Gumawa rin sila ng diyus-diyosang guya, at sinabing iyon ang diyos na naglabas sa kanila mula sa Egipto. Labis ka nilang nilapastangan! Ngunit hindi mo pa rin sila pinabayaan sa ilang, sapagkat walang kapantay ang iyong kahabagan. Hindi mo inalis ang haliging ulap na patnubay nila sa paglalakbay sa araw at ang haliging apoy na tumatanglaw sa kanila pagsapit ng dilim. Pinatnubayan mo sila ng iyong Espiritu, upang turuan sila ng dapat nilang gawin. Patuloy mo silang pinakain ng manna, at binigyan ng tubig na pamatid uhaw. Apatnapung taon mo silang kinalinga sa ilang, kaya't sa anuman ay hindi sila nagkulang. Hindi nasira ang kanilang mga kasuotan, ni namaga man ang kanilang mga paa sa paglalakad. “Pinasakop mo sa kanila ang mga kaharian at bayan, ang lupaing sakop ni Haring Sihon ng Hesbon at ang lupain ni Haring Og ng Bashan. Pinarami mo ang kanilang mga anak tulad ng mga bituin sa langit. Dinala mo sila sa lupain na ipinangakong sasakupin ng kanilang mga ninuno. Pinasok nga nila at sinakop ang lupain ng Canaan, sa harap nila'y tinalo ang mga Cananeong naninirahan doon. Ibinigay ninyo sa kanila ang kanilang mga hari at ang lahat ng mamamayan sa lupain upang sa kanila'y gawin ang anumang naisin. Pinasok nila at sinakop ang mga may pader na lunsod. Nakuha nila ang matataba nilang lupain, at sinamsam ang kanilang mga ari-arian: mga bahay na puno ng kayamanan, mga balon, mga ubasan, taniman ng olibo at mga bungangkahoy. Sagana sila sa pagkain at lumusog ang kanilang katawan, at tuwang-tuwa sila sa iyong dakilang kabutihan. “Ngunit kinalaban ka pa rin nila, at tinalikuran nila ang iyong Kautusan. Pinatay nila ang iyong mga propeta na isinugo mo upang sila'y panumbalikin sa iyo. Patuloy ka nilang hinahamak. Dahil sa ginawa nila, pinabayaan mong sakupin sila ng kanilang mga kaaway, ipinaalipin mo sila at pinahirapan. Ngunit nang sila'y tumawag sa iyo, pinakinggan mo pa rin sila mula sa langit. Sa habag mo sa kanila, binigyan mo sila ng mga pinunong sa kanila'y magliligtas. Ngunit nang ang buhay nila'y naging matiwasay, muli silang nagkasala laban sa iyo, kaya't pinababayaan mo silang muling matalo ng kaaway. Ngunit kapag sila'y muling nagsisi at humingi ng tulong, pinapakinggan mo sila mula sa langit at paulit-ulit mo silang inililigtas sapagkat ikaw ay mahabagin. Binabalaan mo silang manumbalik sa iyong Kautusan, ngunit sa kanilang kapalalua'y lalo nilang nilabag ito. Kahit na ang Kautusan mo ay nagbibigay-buhay, sa katigasan ng kanilang ulo'y sinuway nila iyon. Maraming taon na pinagtiisan mo sila, at binalaan ng iyong Espiritu sa pamamagitan ng mga propeta, ngunit hindi pa rin sila nakinig. Kaya't ipinasakop mo na naman sila sa mga dayuhan. Ngunit dahil sa iyong labis na kahabagan, hindi mo rin sila ganap na nilipol at itinakwil. Ikaw ay mapagpatawad at mahabaging Diyos! “O aming Diyos, napakadakila mong Diyos, kakila-kilabot ang iyong kapangyarihan. Tumutupad ka sa iyong kasunduan at mga pangako. Mula pa nang kami'y sakupin ng mga hari ng Asiria, hanggang ngayo'y labis ang aming paghihirap. Naghirap ang aming mga hari at pinuno, mga pari, mga propeta, at ang mga ninuno. Ang iyong buong bayan ay dumanas ng kahirapan, kaya't alalahanin mo ang aming pagdurusa. Makatuwiran ka sa iyong pagpaparusa sa amin; naging tapat ka sa kabila ng aming pagkakasala. Ang aming mga ninuno, hari, pinuno at pari ay hindi sumunod sa iyong Kautusan. Sinuway nila ang iyong mga utos at babala. Sa gitna ng kasaganaang kanilang tinatamasa, sa ilalim ng mabuting pamamahala ng kanilang mga hari, sa kabila ng malalawak at matatabang lupaing kanilang minana, hindi pa rin sila naglingkod sa iyo at nagsisi sa kanilang mga kasalanan. Ngayon, sa lupaing ito na iyong ipinamana, sa lupaing ito na ang pagkain ay sagana, kami'y busabos at alipin. Ang dahilan ay ang aming pagkakasala, kaya ang nagpapasasa sa ani ng bukid ay ang mga haring sa ami'y lumupig. Nasusunod nila anumang gustuhin, pati mga kawan nami'y inaangkin. O sukdulan na itong hirap namin!” Dahil dito, kaming sambayanang Israel ay gumawa ng isang kasulatan ng sinumpaang kasunduan. Ito'y lubos na sinang-ayunan at nilagdaan ng aming mga pinuno, mga Levita at mga pari. Kami, ang sambayanang Israel, ang mga pari, mga Levita, mga bantay-pintuan, mga mang-aawit at mga manggagawa sa Templo, at ang lahat ng iba pang lumayo sa mga dayuhang naninirahan sa aming lupain bilang pagsunod sa Kautusan ng Diyos, pati ang aming mga asawa at ang aming mga anak na lalaki at babae na pawang may sapat nang pag-iisip ay nanunumpa kasama ng aming mga pinuno at nangangakong tutuparin ang buong Kautusan na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Moises. Susundin namin ang lahat ng tuntunin at utos ng Diyos naming si Yahweh. Hindi namin papayagang mag-asawa ang aming mga anak sa mga dayuhang naninirahan sa aming lupain. Kung sila'y magtinda ng trigo o anumang paninda sa Araw ng Pamamahinga, hindi kami bibili sa kanila. Tuwing ika-7 taon, hindi namin tatamnan ang mga bukirin at hindi na namin sisingilin ang mga may utang sa amin. Taun-taon, magbibigay ang bawat isa sa amin ng halos apat na gramong pilak upang makatulong sa gastusin para sa Templo. Magkakaloob kami ng mga sumusunod para sa serbisyo ng pagsamba doon sa Templo: tinapay na handog, pang-araw-araw na handog na pagkaing butil, mga handog na susunugin bilang handog araw-araw, handog sa Araw ng Pamamahinga, Pista ng Bagong Buwan at iba pang kapistahan, iba pang handog, ang mga handog para sa kapatawaran ng kasalanan ng Israel, at iba pang kailangan sa Templo. Kaming lahat ay magpapalabunutan taun-taon, ang mga pari, mga Levita at mga mamamayan, para malaman kung aling angkan ang magdadala ng kahoy na panggatong sa mga handog sa altar ni Yahweh na ating Diyos ayon sa itinatakda ng Kautusan. Taun-taon ay dadalhin din namin sa Templo ni Yahweh ang unang ani ng bukirin at ang unang bunga ng mga punongkahoy. Dadalhin din namin sa mga pari na maglilingkod sa Templo ang mga panganay naming anak na lalaki upang ilaan sa paglilingkod sa Diyos; gayundin ang panganay na anak ng baka, tupa at kambing para naman ihandog ayon sa itinatakda ng Kautusan. Magdadala rin kami taun-taon ng minasang harina mula sa unang ani ng trigo at iba naming mga handog na alak, langis ng olibo at lahat ng uri ng bungangkahoy. Magbibigay rin kami sa mga Levita ng ikasampung bahagi ng mga inani sa aming bukirin. Ang mga Levitang ito ang naglilikom ng mga ikasampung bahagi at magdadala ng mga ito sa Templo. Sasamahan ng mga pari mula sa angkan ni Aaron ang mga Levitang tagapaglikom ng ikasampung bahagi. Ang ikasampung bahagi nito ay dadalhin nila sa kabang-yaman ng Templo para gamitin doon. Ang mga Israelita at ang mga Levita ang magdadala ng mga naipong trigo, alak at langis para itago sa mga bodega ng mga kagamitan sa Templo. Dito nakatira ang mga paring naglilingkod, ang mga bantay-pintuan at ang mga mang-aawit. Hindi namin pababayaan ang Templo ng aming Diyos. Ang mga pinuno ng bayan ay tumira sa Jerusalem at ang iba nama'y nagpalabunutan upang sa bawat sampung pamilya ay kumuha ng isang titira sa banal na lunsod. Ang siyam naman ay nanirahan sa iba't ibang bayan ng Juda. Pinupuri ng mga tao ang sinumang kusang-loob na tumira sa Jerusalem. Ang ibang mga Israelita, mga pari, mga Levita, mga tagapaglingkod sa templo at ang mga angkan ng mga lingkod ni Solomon ay sa iba't ibang bayan tumira, sa kani-kanilang lupain. Narito ang mga pangunahing mamamayan ng Juda na nanirahan sa Jerusalem: Mula sa lipi ni Juda: si Ataias na anak ni Uzias at apo ni Zacarias. Kabilang sa kanyang mga ninuno sina Amarias, Sefatias, at Mahalalel na pawang mula sa angkan ni Peres na anak ni Juda. Si Maaseias na anak ni Baruc at apo ni Colhoze. Kabilang sa kanyang mga ninuno sina Hazaias, Adaias, Joiarib at Zacarias mula sa angkan ni Sela. Ang kabuuan ng magigiting na lalaki mula sa angkan ni Peres ay 468. Mula sa lipi ni Benjamin: sina Salu na anak ni Mesulam at apo ni Joed. Ang iba pa niyang ninuno ay sina Pedaias, Kolaias, Maaseias, Itiel at Jesaias. Sina Gabai at Salai ay malapit na kamag-anak ni Salu. Lahat-lahat ay 928 Benjaminita. Ang pinuno nila ay si Joel na anak ni Zicri at ang kanang kamay nito ay si Juda na anak ni Hesenua. Sa mga pari naman ay kabilang ang mga sumusunod: si Jedaias na anak ni Joiarib, si Jaquin, si Seraias na anak ni Hilkias at apo ni Mesulam. Kabilang din sa kanyang mga ninuno sina Zadok na anak ni Meraiot at si Ahitub na pinakapunong pari. Ang kabuuan ng angkan niyang naglingkod sa Templo ay 822. Kabilang din sina Adaias na anak ni Jeroham at apo ni Pelalias. Ang kasama sa mga ninuno niya ay sina Amzi, Zacarias, Pashur at Malquijas. Ang kabuuang bilang ng mga pangulo ng sambahayan sa kanyang angkan ay 242. Kasama rin sa tumira sa Jerusalem si Amasai na anak ni Azarel at apo ni Azai. Ang kasamang ninuno niya ay sina Mesilemot at Imer. Ang kabuuang bilang ng mga bahagi ng angkang ito na magigiting na mga kawal ay 128. Ang kanilang pinuno ay si Zabdiel na mula sa isang kilalang pamilya. Mula sa mga Levita: si Semaias na anak ni Hasub at apo ni Azrikam. Kabilang sa kanyang mga ninuno sina Hashabias at Buni. Sina Sabetai at Jozabad, mga kilalang Levita ang namahala sa mga gawain sa labas ng Templo. Kasama rin nila si Matanias na anak ni Mica at apo ni Zabdi, mula sa angkan ni Asaf. Siya ang tagapanguna sa korong umaawit ng panalangin ng pasasalamat. Kasama rin niya si Bakbukuias na naging lingkod ni Matanias. Si Abda na anak ni Samua at apo ni Galal na mula sa angkan ni Jeduthun. Ang kabuuan ng mga Levita sa banal na lunsod ng Jerusalem ay 284. Ang mga bantay sa Templo: sina Akub at Talmon kasama ang kanilang mga kamag-anak ay 172 lahat. Ang iba pang mga Israelita, mga pari at Levita ay nanirahan sa ibang bayan ng Juda, sa kani-kanilang mga lupaing minana. Ang lahat namang manggagawa sa Templo sa ilalim ng pamamahala nina Ziha at Gispa ay doon naman tumira sa Ofel. Ang namahala sa mga Levitang nasa Jerusalem ay si Uzi, anak ni Bani at apo ni Hashabias. Kasama sa kanyang mga ninuno sina Matanias at Mica at siya mismo ay mula sa angkan ni Asaf, ang angkan na namamahala sa mga awitin sa loob ng Templo ni Yahweh. Ang mga mang-aawit ay may kanya-kanyang araw ng paglilingkod, ayon sa mga tuntuning itinakda ng hari. Si Petahias na anak ni Mesezabel mula sa angkan ni Zera sa lipi ni Juda, ang kinatawan ng sambayanang Israel sa pagdulog sa hari ng Persia. Ang mga nagmula sa lipi ni Juda ay tumira sa mga bayang malapit sa kanilang bukirin. Tumira sila sa Lunsod ng Arba, Dibon at Jekabzeel at sa mga nayong malapit sa mga lunsod na ito. Ang iba sa kanila'y tumira sa mga lunsod ng Jeshua, Molada, Beth-pelet, Hazar-shual, Beer-seba, at sa mga nayong nakapaligid dito. Nanirahan din sila sa mga lunsod ng Ziklag, Mecona, at sa mga nayong nakapaligid dito, sa En-rimon, Zora, Jarmut, Zanoa, Adullam, Laquis at sa mga kalapit bukirin at sa Azeka at sa mga nayon nito. Nanirahan sila sa nasasakupan ng lupaing nasa pagitan ng Beer-seba sa timog at ng Libis ng Ben Hinom sa hilaga. Ang mga angkan namang mula sa lipi ni Benjamin ay nanirahan sa mga bayan ng Geba, Micmas, Ai, Bethel at sa mga kalapit na nayon ng Anatot, Nob, Ananias, Hazor, Rama, Gitaim, Hadid, Zeboim, Nebalat, Lod at Ono at sa Libis ng mga Panday. May mga pangkat ng mga Levita na dating nanirahan sa lupain ng Juda na napasama sa lipi ni Benjamin. Ang mga Levita naman ay sina Jeshua, Binui, Kadmiel, Serebias, Juda at Matanias. Sila ang namahala sa pagkanta ng mga awit ng pasasalamat. Ang bumubuo ng koro na umaawit ng mga sagutang pag-awit ay sina Bakbukuias, Uno at iba pang mga Levita na kasama nila. Naging anak ni Josue si Joiakim na ama ni Eliasib. Naging anak naman ni Eliasib si Joiada, na ama ni Jonatan na ama ni Jadua. Inilista ang mga pinuno ng mga sambahayan ng mga Levita at ng mga pari nang panahon ng panunungkulan ng mga pinakapunong paring sina Eliasib, Joiada, Johanan at Jadua. Ang listahang ito'y natapos nang panahong si Dario ang hari ng Persia. Ang mga pinuno ng mga sambahayang Levita ay nailista sa Aklat ng Kasaysayan noong panahon lamang ni Johanan na apo ni Eliasib. Ang mga pinuno ng mga Levita ay hinati sa mga pangkat na pinamunuan nina Hashabias, Serebias, Jeshua, Binui at Kadmiel. Dalawang pangkat ang sagutang umaawit ng papuri at pasasalamat sa Diyos, ayon sa ipinag-uutos ni David na lingkod ng Diyos. Ang namahala naman sa mga bantay sa mga bodega na malapit sa mga pintuan ng Templo ay ang mga sumusunod: Matanias, Bakbukuias, Obadias, Mesulam, Talmon at Akub. Noo'y panahon ng pamamahala ni Joiakim, anak ni Josue at apo ni Jehozadak. Ang gobernador noon ay si Nehemias at ang pari ay si Ezra na dalubhasa sa Kautusan. Nang italaga na ang pader ng Jerusalem, tinipon ang mga Levita sa Jerusalem upang sama-sama nilang ipagdiwang ang pagtatalaga. Ipinagdiwang ito sa saliw ng mga awit ng pasasalamat at ng tugtog ng pompiyang, alpa, at lira. Ang mga mang-aawit na mula sa angkan ng mga Levita ay dumating mula pa sa paligid ng Jerusalem at mula sa kapatagan ng Netofa, sa bayan ng Gilgal at sa kapatagan ng Geba at Azmavet. Nilinis ng mga pari at ng mga Levita ang kanilang sarili ayon sa Kautusan at ganoon din ang ginawa nila sa mga tao. Nilinis din nila ang mga pintuan at mga pader ng lunsod. Isinama ko sa ibabaw ng pader ng lunsod ang mga pinuno ng Juda. Pinamahala ko sila sa dalawang malaking pangkat ng mga mang-aawit na lilibot sa lunsod upang magpasalamat. Ang isang pangkat ay lumakad na papuntang kanan sa ibabaw ng pader patungo sa pintuang papunta sa tapunan ng basura. Kasunod nito ang kalahati ng mga pinuno ng Juda sa pangunguna ni Hosaias. Nasa likuran nila sina Azarias, Ezra, Mesulam, Juda, Benjamin, Semaias at Jeremias. Hinihipan ng mga paring ito ang kanilang mga trumpeta habang sumusunod sina Zacarias, anak ni Jonatan at apo ni Semaias. Kabilang din sa kanyang mga ninuno sina Matanias, Micaias, Zacur at Asaf. Sumunod din ang kanyang kamag-anak na sina Semaias, Azarel, Milalai, Gilalai, Maai, Netanael, Juda at Hanani. Silang lahat ay may dalang mga instrumento sa musika na katulad ng tinugtog ni Haring David na lingkod ng Diyos. Ang pangkat na ito'y pinangunahan ni Ezra na dalubhasa sa Kautusan. Pagdating nila sa Pintuan ng Bukal nagtuloy silang paakyat sa Lunsod ni David. Lumampas sila sa palasyo ni David hanggang sa sumapit sila sa Pintuan ng Tubig sa gawing silangan ng lunsod. Ang ikalawang pangkat na nagpasalamat din ay lumakad namang pakaliwa sa ibabaw ng pader. Sumunod ako sa pangkat na ito at lumakad kaming kasama ang kalahati ng mga taong bayan. Lumampas kami sa Tore ng mga Pugon papunta sa Maluwang na Pader. Mula roo'y lumampas kami sa Pintuan ni Efraim, sa Pintuang Luma, tuloy sa Pintuan ng Isda, sa Tore ni Hananel, sa Tore ng Sandaan patungo sa Pinto ng mga Tupa. Huminto kami sa may pinto ng Templo. Ang dalawang pangkat ng mga mang-aawit ay nagtagpo sa tapat ng templo. Bukod sa mga pinunong kasama ko, kasama ko rin ang mga paring umiihip ng mga trumpeta na sina Eliakim, Maaseias, Miniamin, Micaias, Elioenai, Zacarias at Hananias. Kasunod nila sina Maaseias, Semaias, Eleazar, Uzi, Johanan, Malquijas, Elam at Ezer. Ang mga ito'y mang-aawit na pinangunahan ni Jezrahias. Nang araw na iyon, nag-alay sila ng maraming handog at masayang nagdiwang ang mga tao dahil sa kagalakang dulot sa kanila ng Diyos. Pati mga babae at mga bata ay nagdiwang din kaya't ang ingay nila'y narinig sa malalayong lugar. Nang araw ring iyon, nagtalaga sila ng mga lalaking mamamahala sa mga bodegang paglalagyan ng mga kaloob sa Templo gaya ng mga unang bunga at ikasampung bahagi ayon sa Kautusan. Sila ang kukuha ng mga kaloob para sa mga pari at mga Levita mula sa mga bukirin ng mga bayan, sapagkat sila ang inihanda sa paglilingkod sa gawaing ito. Nagalak naman ang mga taga-Juda sa mga pari at mga Levita, sapagkat tinupad nila ang utos ng Diyos tungkol sa pagiging malinis. Gumanap din ng kani-kanilang tungkulin ang mga mang-aawit at mga bantay ayon sa iniutos ni David, at ng anak nitong si Solomon. Mula pa nang panahon ni Haring David at ng mang-aawit na si Asaf, ang mga mang-aawit na ang nangunguna sa mga awit ng pasasalamat at papuri sa Diyos. Sa panahon naman ni Zerubabel at ni Nehemias, ibinibigay ng buong Israel ang kanilang mga kaloob araw-araw para sa pangangailangan ng mga mang-aawit at ng mga bantay sa Templo. Ibinibigay nila ang handog para sa mga Levita at ibinibigay naman ng mga Levita sa mga pari ang bahagi ng mga ito. Nang araw na binasa sa harap ng mga tao ang Kautusan ni Moises, natuklasan nila roon na mahigpit na ipinagbabawal sa mga Israelita ang makihalubilo sa mga Ammonita o Moabita. Ipinagbawal ito, sapagkat hindi sila binigyan ng pagkain at inumin ng mga Ammonita at Moabita nang dumaan ang mga Israelita sa lupain ng mga ito noong lumabas sila sa Egipto. Sa halip, inupahan pa ng mga ito si Balaam upang sumpain ang Israel, subalit ang sumpang iyon ay ginawa ng Diyos natin na isang pagpapala. Nang ito'y marinig ng mga tao, pinaalis nila ang mga dayuhan. Noon si Eliasib ang paring namamahala sa mga bodega sa Templo. Maganda ang pakikitungo niya kay Tobias, palibhasa'y matagal na silang magkaibigan. Kaya't pinahintulutan ni Eliasib si Tobias na gamitin ang malaking silid sa Templo. Ang silid na iyo'y taguan ng mga handog na pagkaing butil, insenso, mga kagamitan sa Templo, mga handog para sa mga pari, ikasampung bahagi ng handog na butil, alak at langis na para sa mga Levita, sa mga mang-aawit at sa mga bantay sa Templo. Habang nagaganap iyon, wala ako noon sa Jerusalem, sapagkat nang si Haring Artaxerxes, hari ng Babilonia ay nasa ika-32 taon ng paghahari, nagpunta ako sa kanya upang mag-ulat. Hindi nagtagal at ako'y pinahintulutan niyang makabalik sa Jerusalem. Noon ko natuklasang binigyan pala ni Eliasib si Tobias ng silid sa loob ng Templo. Labis ko itong ikinagalit at itinapon ko sa labas ang lahat ng kagamitan ni Tobias. Pagkatapos, iniutos kong linisin ang silid at ibalik doon ang mga kagamitan sa Templo pati ang handog na pagkaing butil at insenso. Nalaman ko rin na ang mga Levita at ang mga mang-aawit sa Templo ay umuwi na sa kanilang mga bukirin, sapagkat hindi sila tumatanggap ng bahaging nauukol sa kanila. Nagalit ako sa mga namamahala at sinabi ko, “Bakit pinabayaan ninyo ang Templo ng Diyos?” Kaya't pinabalik ko ang mga Levita at ang mga mang-aawit sa Templo at muling pinagtrabaho sa kani-kanilang tungkulin. Dahil dito, ang lahat ng mamamayan ng Juda ay muling nagdala ng ikasampung bahagi ng kanilang mga inaning butil, alak at langis, at inipon ang mga ito sa mga bodega. Pinamahala ko ang paring si Selemias, si Zadok na dalubhasa sa Kautusan, at si Pedaias na isang Levita. Pinatulong ko sa kanila si Hanan, anak ni Zacur at apo ni Matanias. Alam kong mapagkakatiwalaan sila na mamahagi ng mga pangangailangan ng kanilang mga kasamahan. Alalahanin po ninyo, Diyos ko, ang mga ginawa kong ito para sa Templo at sa pananambahan doon. Noon ko rin nakita na ang mga taga-Juda ay nagpipisa ng ubas sa Araw ng Pamamahinga. Mayroon din namang mga nagkakarga sa mga asno ng mga trigo, alak, ubas, igos at iba pang bagay, at dinadala sa Jerusalem. Binalaan ko silang huwag magtinda ng anuman sa Araw ng Pamamahinga. Ang mga taga-Tiro na nasa lunsod ay nagdadala naman ng isda at lahat ng uri ng paninda, at sa Araw din ng Pamamahinga nila ipinagbibili sa mga taga-Juda na nasa Jerusalem. Dahil dito, pinagalitan ko ang mga namumuno sa Juda. Pinagsabihan ko sila, “Masama ang ginagawa ninyong ito. Nilalapastangan ninyo ang Araw ng Pamamahinga. Ito mismo ang dahilan kaya pinarusahan ng Diyos ang inyong mga ninuno at winasak ang lunsod na ito. Lalo ninyong ginagalit ang Diyos sa ginagawa ninyong paglapastangan sa Araw ng Pamamahinga!” Kaya't iniutos kong mula noon, pagsapit ng Araw ng Pamamahinga, ang mga pintuan ng lunsod ay sarhan bago lumubog ang araw at huwag bubuksan hanggang hindi natatapos ang araw na iyon. Pinabantayan ko sa aking mga tauhan ang mga pintuan upang matiyak na walang anumang panindang maipapasok sa Araw ng Pamamahinga. Kung minsan, ang mga mangangalakal sa Jerusalem ay sa labas ng pader natutulog. Binalaan ko sila na kapag umulit pa sila ay gagamitan ko na sila ng dahas. Mula noo'y hindi na sila dumarating kapag Araw ng Pamamahinga. Iniutos ko sa mga Levita na dapat nilang linisin ang kanilang sarili ayon sa Kautusan at magbantay sa mga pinto upang maingatang banal ang Araw ng Pamamahinga. Alalahanin po ninyo ako O Diyos, sa ginawa kong ito at huwag ninyo akong parusahan sapagkat dakila ang iyong pag-ibig. Nalaman ko rin noon na maraming mga Judio ang nag-asawa ng mga babaing taga-Asdod, Ammon at Moab. Dahil dito, kalahati ng kanilang mga anak ang nagsasalita ng wikang Asdod at iba pang mga wikang banyaga, ngunit hindi sila nakakapagsalita ng wika ng Juda. Pinagalitan ko ang mga kalalakihan, isinumpa sila, pinalo at sinabunutan. Pagkatapos, pinapanumpa ko sila sa pangalan ng Diyos na sila at ang kanilang mga anak ay hindi na mag-aasawa ng mga dayuhan. “Hindi ba iyan ang sanhi ng pagkakasala ni Solomon?” sinabi ko sa kanila. “Walang sinumang hari saanmang bansa na tulad niya. Mahal siya ng Diyos at ginawang hari sa buong Israel. Subalit nagkasala siya dahil sa mga babaing banyaga. Susundin ba namin ang inyong masamang halimbawa at susuway sa Diyos dahil sa pag-aasawa ng mga dayuhan?” Isa sa mga anak ni Joiada (na anak ng pinakapunong pari na si Eliasib) ay nag-asawa ng isang babae mula sa angkan ni Sanbalat na Horonita; kaya't pinalayas ko siya sa Jerusalem. Alalahanin po ninyo, O aking Diyos, ang paglapastangan nila sa tungkulin ng pagiging pari at sa kasunduang ginawa ninyo sa mga pari at sa mga Levita. Nilinis ko ang sambayanan sa lahat ng pakikitungo nila sa mga dayuhan. Gumawa ako ng mga tuntunin para sa mga pari at mga Levita upang malaman nila ang kanilang mga tungkulin. Isinaayos ko rin ang pagdadala sa takdang oras ng mga kahoy na gagamiting panggatong sa pagsunog ng mga handog, gayundin ang pagdadala ng mga tao sa mga unang ani ng butil at bungangkahoy. Alalahanin ninyo, O aking Diyos, ang lahat ng ito at ako po'y pagpalain ninyo. Nang panahon ni Haring Xerxes ng Persia, ang sakop niya'y mula sa India hanggang Etiopia. Binubuo ito ng 127 lalawigan. Ang kanyang palasyo ay nasa Lunsod ng Susa na siyang kapitolyo ng Persia. Nang ikatlong taon ng kanyang paghahari, siya ay naghanda ng isang piging para sa kanyang mga pinuno, mga katulong sa palasyo, mga punong-kawal ng Persia at Media, pati mga maharlika at mga gobernador ng mga lalawigan. Ipinagparangalan niya sa mga ito ang kayamanan ng kanyang kaharian at ang karangyaan ng kanyang pamumuhay. Ang piging ay tumagal nang 180 araw. Pagkaraan nito, naghanda naman siya ng piging para sa lahat ng taga-Susa, dakila o hamak man. Ito'y ginanap sa patyo sa may hardin ng palasyo, at tumagal nang pitong araw. Puting-puti ang mga kurtina at maraming palawit na kulay asul. Ang mga tali nito'y nilubid na pinong lino at murado, at nakasabit sa mga argolyang pilak. Marmol ang mga haligi ng palasyo. Yari sa ginto't pilak ang mga upuan. Ang sahig ay mosaik na yari sa porfido, alabastro, nakar, at mamahaling bato. Ang mga alak ay inihain sa mga kopitang ginto na iba't iba ang hugis. Napakaraming mamahaling alak ang inilabas; alak na angkop lamang sa isang hari. Walang humpay ang pagpapamahagi ng inumin; ipinag-utos ng hari sa mga katulong na ibigay ang hilig ng bawat isa. Walang pilitan sapagkat ipinag-utos ng hari sa kanyang mga katulong na ibigay ang hilig ng bawat isa. Samantala, si Reyna Vasti ay nagdaos din ng piging sa palasyo para naman sa kababaihan. Nang ikapitong araw na ng pagdiriwang, medyo lango na ang hari. Ipinatawag niya sina Mehuman, Bizta, Harvona, Bigta, Abagta, Zetar at Carcas, ang pitong eunukong nag-aasikaso sa kanya. Ipinasundo niya si Reyna Vasti. Ipinasabi niyang isuot ng reyna ang korona nito upang ipagmayabang sa lahat ng naroon ang kagandahan nito, sapagkat ito nama'y talagang maganda. Ngunit hindi pinansin ng reyna ang mga sugo ng hari. Dahil dito, lubhang nagalit ang hari. Tuwing may pangyayaring tulad nito, ipinapatawag ng hari ang mga pantas tungkol sa kapanahunan, mga dalubhasa sa batas at paghatol upang sangguniin. Ito'y sina Carsena, Setar, Admata, Tarsis, Meres, Marsena at Memucan. Sila ang pitong pangunahing pinuno ng Persia at Media. Malapit sila sa hari, at mga pangunahin sa buong kaharian. Itinanong ng hari, “Ano ang dapat gawin kay Reyna Vasti dahil sa pagsuway niya sa utos ko sa pamamagitan ng mga sugo?” Sumagot si Memucan, “Si Reyna Vasti ay nagkasala, hindi lamang sa hari kundi pati sa mga pinuno at sa lahat ng nasasakupan ninyo, Haring Xerxes. Ang pangyayaring ito'y tiyak na malalaman ng lahat ng babae sa kaharian. Kung magkagayon, magkakaroon sila ng katuwirang sumuway sa kanilang asawa. Idadahilan nilang sinuway ni Reyna Vasti ang hari. Ngayon pa ay natitiyak kong alam na ito ng mga pangunahing babae ng Persia at Media at sasabihin na sa mga pinuno ng hari. Dahil dito, tiyak na lalaganap ang kawalan ng respeto sa mga asawang lalaki, at ito'y hahantong sa maraming kalupitan. Kaya, kung inyong mamarapatin, magpalabas kayo ng isang utos na maisasama sa mga kautusan ng Persia at Media para hindi mabago. Sa bisa ng utos na ito, aalisin kay Vasti ang pagiging reyna at papalitan siya ng mas mabuting reyna. Kapag ito'y naipahayag na sa buong kaharian, tiyak na igagalang ng mga babae ang kanilang mga asawa, maging hamak o dakila man.” Nagustuhan ng hari at ng kanyang mga pinuno ang payo ni Memucan, at ito nga ang ginawa ng hari. Pinadalhan niya ng sulat ang mga lalawigang sakop niya. Ang liham ay nakasulat ayon sa wika ng bawat lalawigan. Ipinapahayag sa liham na ito na dapat ang asawang lalaki ang siyang pinuno ng kanyang sambahayan. Naging Reyna si Ester Lumipas ang mga araw at napawi ang galit ni Haring Xerxes. Subalit patuloy pa rin nitong naaalaala si Vasti, ang ginawa nito at ang utos na nilagdaan niya laban dito. Kaya't iminungkahi ng kanyang mga lingkod, “Bakit di kayo magpahanap ng magaganda at kabataang dalaga, Kamahalan? Pumili kayo ng mga tauhan sa bawat lalawigan para humanap ng magagandang dalaga sa kanilang lugar at dalhin sa inyong harem sa lunsod ng Susa. Ipagkatiwala ninyo sila kay Hegai, ang eunukong namamahala sa harem ng hari, at bigyan ninyo sila ng mga pampagandang kailangan nila. Ang maibigan ng hari ang siyang ipapalit kay Vasti.” Nagustuhan ng hari ang mungkahing ito, at ganoon nga ang kanyang ginawa. Noon ay may isang Judio na nakatira sa Susa. Siya'y si Mordecai na mula sa lipi ni Benjamin. Siya'y anak ni Jair at apo ni Simei na anak naman ni Kis. Isa siya sa mga nabihag ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia mula sa Jerusalem, kasama ni Haring Jeconias ng Juda. Si Mordecai ay may isang napakaganda at kabigha-bighaning pinsang dalaga na ulilang lubos at siya na ang nagpalaki. Ang pangalan niya'y Ester (Hadasa naman sa Hebreo). Nang mamatay ang mga magulang ni Ester, inampon na siya ni Mordecai at itinuring na parang tunay na anak. Bilang tugon sa utos ng hari tungkol sa paghahanap ng magagandang dalaga sa buong kaharian, napasama siya sa maraming dalagang tinipon sa palasyo sa pamamahala ni Hegai na tagapangasiwa sa harem. Nakagaanan siya ng loob ni Hegai, kaya binigyan agad siya ng pagkain at mga pampaganda. Bukod dito, ipinili pa siya ng pinakamainam na tirahan sa harem at binigyan ng pitong katulong na babae. Gayunpaman, hindi sinabi ni Ester kung saang lahi o sambahayan siya nagmula dahil iyon ang bilin sa kanya ni Mordecai. Araw-araw naman, nagpupunta si Mordecai sa bulwagan ng harem upang alamin ang kalagayan ni Ester. Bilang tuntunin, isang taon munang pagagandahin ang mga babae: anim na buwan silang pinapahiran ng langis at mira, at anim na buwan ding nilalagyan ng pabango at iba pang pampaganda. Pagkatapos, isa-isa silang inihaharap sa hari. Bago humarap sa hari, ibinibigay sa kanila ang lahat ng maibigan nilang dalhin sa pagharap sa hari. Bawat isa'y pumupunta sa hari sa gabi at kinabukasa'y dinadala sa isa pang harem nito na pinapamahalaan naman ng eunukong si Saasgaz. Sinumang pumunta sa hari ay hindi nakababalik sa palasyo kung hindi siya ipapatawag nito, lalo na kung hindi nasiyahan sa kanya ang hari. Dumating ang araw na haharap na sa hari si Ester. (Si Ester ay anak ni Abihail na tiyuhin naman ni Mordecai.) Wala siyang hiniling maliban sa sinabi sa kanya ni Hegai. Nabighani ang lahat ng nakakita sa kanya. Noon ay ang ikasampung buwan ng ikapitong taon ng paghahari ni Xerxes. Lubos na nabighani ang hari kay Ester at inibig niya ito nang higit sa ibang babae. Kaya, kinoronahan siya nito at ginawang reyna kapalit ni Vasti. Nagdaos ng isang malaking handaan ang hari upang parangalan si Ester at inanyayahan niya ang lahat ng kanyang mga pinuno at mga kaibigan. Kaugnay nito, nagpahayag pa siya ng pista opisyal sa buong kaharian at namahagi ng maraming regalo. Samantala, si Mordecai naman ay naitalaga sa isang mataas na katungkulan sa pamahalaan. Hanggang sa panahong iyon, hindi pa rin ipinapaalam ni Ester ang lahi o bansang pinagmulan niya, tulad ng bilin ni Mordecai (sinusunod niya ang mga utos ni Mordecai simula pa ng kanyang pagkabata). Isang araw habang nasa bulwagan ng palasyo si Mordecai, narinig niyang nag-uusap ang dalawang eunukong bantay-pinto na sina Bigtan at Teres. Galit sila kay Haring Xerxes at balak nilang patayin ito. Nang marinig ito ni Mordecai, gumawa siya ng paraang makausap si Reyna Ester at sinabi rito ang kanyang narinig. Sinabi naman ito ni Ester sa hari, pati ang tungkol kay Mordecai. Pinaimbestigahan ito ng hari at napatunayang totoo, kaya ipinabitay sina Bigtan at Teres. Ang pangyayaring ito'y isinulat sa aklat ng kasaysayan ng kaharian. Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, itinaas ni Haring Xerxes sa tungkulin si Haman na anak ni Hamedata, isang Agagita. Ginawa niya itong punong ministro. Lahat ng tauhan sa bulwagan ng palasyo ay yumuyukod at lumuluhod sa harap ni Haman bilang pagsunod sa utos ng hari. Ngunit si Mordecai ay hindi yumuyukod at lumuluhod. Tinanong siya ng mga tauhan sa pintuan ng palasyo, “Bakit ayaw mong sundin ang utos ng hari?” Araw-araw ay sinasabi nila ito sa kanya ngunit ayaw pa rin niyang sumunod. Kaya isinumbong nila si Mordecai kay Haman para malaman kung pagbibigyan siya ni Haman, sapagkat sinasabi ni Mordecai na siya'y isang Judio. Nang mapatunayan ni Haman na hindi nga yumuyukod at lumuluhod si Mordecai, sumiklab ang galit nito. Nang malaman niyang Judio si Mordecai, umisip siya ng paraan upang malipol ang lahat ng Judio sa buong kaharian ni Haring Xerxes. Nang unang buwan ng ikalabindalawang taon ng paghahari ni Xerxes, ginawa sa harapan ni Haman ang palabunutang tinatawag na Pur upang malaman kung anong araw nararapat isagawa ang balak niya. Tumama ito sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan na kung tawagi'y Adar. Pagkatapos nito, sinabi ni Haman kay Haring Xerxes, “Sa lahat pong panig ng inyong kaharian ay may isang lahi ng mga tao na may sariling batas na iba sa alinmang lahi. Hindi po sila sumusunod sa inyong utos at makakasama po kung pababayaan ninyo silang ganito. Kung inyong mamarapatin, ipag-utos po ninyo na lipulin ang mga taong yaon. Magbibigay po ako ng 350,000 kilong pilak sa mga pinuno at ito'y ilalagak sa kabang-yaman ng hari.” Hinubad ng hari ang kanyang singsing na pantatak at ibinigay kay Haman na anak ni Hamedata, ang Agagitang kaaway ng mga Judio. At sinabi sa kanya ng hari, “Ikaw na ang bahala sa salapi at gawin mo ang gusto mong gawin sa mga taong iyon.” Nang ikalabintatlong araw ng unang buwan, ipinatawag ni Haman ang mga kalihim ng hari. Pinagawa niya sila ng liham para sa mga gobernador ng lahat ng lalawigan at sa mga pinuno ng bayan, sa wikang ginagamit sa lugar na padadalhan. Ang liham ay ginawa sa pangalan ni Haring Xerxes at tinatakan ng singsing nito. Ipinadala sa pamamagitan ng mga sugo ang mga liham sa mga lalawigan ng kaharian, na nag-uutos na patayin ang lahat ng Judio, maging bata man o matanda, lalaki man o babae, at samsamin ang lahat ng kanilang ari-arian. Isasagawa ito sa ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan. Bawat lalawiga'y padadalhan ng sipi ng utos upang makapaghanda ang lahat sa araw na nabanggit. At ipinahayag nga sa lunsod ng Susa, ang kapitolyo ng Persia, ang utos ng hari. Ang mga lalawigan naman ay kaagad pinadalhan ng mga sipi nito. Kaya't samantalang masayang nag-iinuman ang hari at si Haman, ang lunsod naman ng Susa ay gulung-gulo. Nang malaman ni Mordecai ang lahat ng nangyari, pinunit niya ang kanyang kasuotan. Nagsuot siya ng damit panluksa, naglagay ng abo sa ulo, at naglibot sa buong lunsod, at malakas na tumatangis. Naupo siya sa labas ng pintuan ng palasyo sapagkat hindi pinapayagang pumasok doon ang sinumang nakasuot ng damit panluksa. Ang mga Judio naman sa bawat lalawigang naabot ng utos ng hari ay nanangis nang buong kapaitan, nag-ayuno at nagluksa. Karamihan sa kanila'y nagsuot ng damit panluksa at naglagay ng abo sa ulo. Lubos na nabahala si Reyna Ester nang malaman niya ang pangyayari mula sa kanyang mga katulong na babae at mga eunuko. Kaya pinadalhan niya ng bihisan si Mordecai, ngunit ayaw nitong tanggapin iyon. Dahil dito, ipinatawag niya si Hatac, isa sa mga eunuko ng hari at itinalagang katulong niya. Pinapunta niya ito kay Mordecai at ipinatanong kung bakit siya nagkakaganoon. Pinuntahan nga ni Hatac si Mordecai sa labas ng palasyo. Sinabi naman nito sa kanya ang buong pangyayari, pati ang halagang ibibigay ni Haman sa kabang-yaman ng hari mapatay lamang ang mga Judio. Binigyan pa siya ni Mordecai ng isang kopya ng sulat ng hari para ipakita kay Ester. Ipinakiusap din niyang ipaliwanag kay Ester ang buong pangyayari upang ipagbigay-alam iyon sa hari. Pagkatapos ng kanilang pag-uusap, nagbalik si Hatac kay Ester at isinaysay ang lahat ng sinabi ni Mordecai. Si Hatac ay pinabalik ni Ester kay Mordecai at ganito ang ipinasabi: “Alam na alam ng lahat na walang itinatangi ang batas ng kaharian. Sinumang lumapit sa hari, maging lalaki o babae, nang hindi ipinapatawag ay papatayin maliban kung ipatong sa kanya ang gintong setro. Tatlumpung araw na akong hindi ipinapatawag ng hari.” Nang matanggap ni Mordecai ang sagot ni Ester, ganito naman ang ipinasabi niya: “Huwag mong aakalaing dahil nakatira ka sa palasyo ay ikaw lamang ang makakaligtas sa lahat ng mga Judio. Kapag ipinagwalang-bahala mo ang pangyayaring ito, tiyak na may magliligtas din sa mga Judio, ngunit malilipol ka at ang iyong angkan. Anong malay mo? Baka nga napunta ka riyan para maging kasangkapan sa ganitong pagkakataon!” Dahil dito, ipinasabi ni Ester kay Mordecai, “Tipunin mo ang lahat ng Judio rito sa Susa at ipag-ayuno ninyo ako. Huwag kayong kakain o iinom sa loob ng tatlong araw at tatlong gabi. Mag-aayuno rin kami ng aking mga katulong na babae. Pagkatapos, pupunta ako sa hari kahit ito'y labag sa batas, at kung dapat akong mamatay, ako nga ay mamamatay.” Umalis si Mordecai at ginawa ang lahat ng tagubilin ni Ester. Lumipas ang tatlong araw mula nang mag-usap sina Ester at Mordecai. Isinuot ni Ester ang kanyang kasuotan bilang reyna at tumayo sa bulwagan ng palasyo, sa tapat ng tirahan ng hari. Nakaupo noon sa trono ang hari, paharap sa pintuan ng palasyo. Nalugod siya nang makita si Ester at itinuro niya rito ang kanyang gintong setro. Lumapit naman si Ester at hinipo ang dulo ng setro. Itinanong ng hari, “Bakit, aking reyna? Sabihin mo kung ano ang ibig mo at ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.” Sumagot si Ester, “Kung mamarapatin ng mahal na hari, dumalo po kayo ni Haman ngayon sa piging na inihanda ko para sa inyo.” Sinabi ng hari, “Tawagin agad si Haman para masunod ang ibig ni Ester.” Dumalo nga ang hari at si Haman sa piging na inihanda ni Ester. Habang sila'y nag-iinuman, tinanong ng hari si Ester, “Ano ba ang gusto mo? Sabihin mo't ibibigay kong lahat, kahit ang kalahati ng aking kaharian.” Sinabi ni Ester, “Ito po ang aking kahilingan: Kung ako po'y kalugud-lugod sa hari, at kung inyong mamarapatin, dumalo muli kayo ni Haman sa piging na ihahanda ko para sa inyo bukas. Doon ko na po sasabihin ang aking kahilingan.” Nang araw na iyon, masayang-masayang lumabas ng palasyo si Haman. Ngunit sumiklab na naman ang kanyang galit nang mapatapat siya kay Mordecai na nasa may pintuang papasok sa palasyo. Ni hindi man lamang ito tumayo o nagbigay-galang sa kanya. Gayunman, nagtimpi na lamang siya at tuluy-tuloy na umuwi. Pagdating ng bahay, tinawag niya ang kanyang asawang si Zeres at ang kanyang mga kaibigan. Ipinagmalaki niya sa mga ito ang kanyang kayamanan, ang marami niyang anak, ang pagkataas niya sa katungkulan, pati ang pagkalagay sa kanya bilang pinakamataas sa mga pinuno at kagawad sa palasyo. Idinugtong pa niya, “At ako lamang ang inanyayahan ni Reyna Ester na sumama sa hari nang maghanda siya ng handaan. Bukas, iniimbita na naman niya ako, kasama ang hari. Gayunman, walang halaga sa akin ang lahat ng ito hangga't nakikita kong nakaupo sa pasukan ng palasyo ang Judiong si Mordecai.” Sinabi sa kanya ng asawa niyang si Zeres at ng kanyang mga kaibigan, “Bakit hindi ka magpagawa ng bitayan na dalawampu't dalawa't kalahating metro ang taas sa may pintuan ng palasyo at bukas ng umaga hilingin mo sa hari na bitayin si Mordecai? Sa gayon, masaya kang makakapunta sa handaan.” Nagustuhan ito ni Haman, kaya nagpagawa siya ng bitayan. Nang gabing iyon, hindi makatulog si Haring Xerxes. Ipinakuha niya ang aklat ng mahahalagang pangyayari sa kaharian at ipinabasa ito habang siya'y nakikinig. Nabasa ang bahagi ng kasaysayan tungkol sa pagkatuklas ni Mordecai sa masamang balak ng mga eunukong sina Bigtan at Teres na patayin ang Haring Xerxes. Dahil dito, itinanong ng hari, “Anong gantimpala o pagpaparangal ang ginawa kay Mordecai dahil sa kabutihang ginawa niya sa akin?” Sumagot ang mga tagapaglingkod, “Wala po.” Nagtanong ang hari, “Sino ba ang nasa bulwagan?” Samantala, noon ay papasok sa bulwagan si Haman upang sabihin sa hari na maaari nang bitayin si Mordecai sa ipinagawa niyang bitayan. Sinabi ng mga tagapaglingkod ng hari, “Si Haman po.” At sinabi ng hari, “Palapitin ninyo siya rito.” Lumapit naman si Haman. Itinanong sa kanya ng hari, “Ano ang dapat gawin sa sinumang ibig parangalan ng hari?” Akala ni Haman ay siya ang tinutukoy ng hari, kaya sinabi niya, “Ganito po: Ipakuha ninyo ang damit na inyong isinuot at ang kabayong inyong sinakyan nang kayo'y koronahan bilang hari. Ang damit ay ibigay sa isa sa mga pangunahing pinuno ng kaharian para isuot sa pararangalan. Pagkatapos, isakay sa kabayo at ilibot sa buong lunsod habang isinisigaw ang: ‘Ito ang ginagawa sa taong pinaparangalan ng hari!’” Sinabi ng hari kay Haman, “Kung gayon, kunin mo ang aking damit at ang aking kabayo. Lahat ng sinabi mo'y gawin mo kay Mordecai, ang Judiong nakaupo sa may pintuan ng palasyo.” Kinuha nga ni Haman ang damit at ang kabayo ng hari. Binihisan niya si Mordecai, isinakay sa kabayo at inilibot sa buong lunsod habang isinisigaw niyang, “Ito ang ginagawa sa taong pinaparangalan ng hari.” Pagkatapos nito, nagbalik si Mordecai sa may pintuan ng palasyo. Nagmamadali namang umuwi si Haman, at pagdating sa bahay ay nanangis at nagtalukbong dahil sa inabot na kahihiyan. Ang nangyari'y isinalaysay ni Haman sa asawa niyang si Zeres at sa kanyang mga tagapayo. Sinabi sa kanya ng kanyang mga tagapayo at ng kanyang asawa, “Kung Judio nga si Mordecai, na siyang dahilan ng iyong panghihina, hindi mo siya madadaig, kundi ikaw pa ang dadaigin niya.” Nag-uusap pa sila nang dumating ang mga sugo ng hari at nagmamadaling isinama si Haman sa handaan ni Ester. Si Haring Xerxes at si Haman ay dumalo sa ikalawang handaan ni Reyna Ester. Habang sila'y nag-iinuman, itinanong ng hari, “Reyna Ester, ano nga ba ang hihilingin mo? Sabihin mo at ibibigay ko sa iyo, kahit ang kalahati ng aking kaharian.” Sumagot si Reyna Ester, “Kung inyo pong mamarapatin, Mahal na Hari, nais ko po sanang hilingin na ako at ang aking mga kababayan ay inyong iligtas, sapagkat kami po ay ipinagbili para patayin at lipulin. Kung kami po ay ipinagbili upang maging mga alipin, magsasawalang-kibo na lamang po ako at hindi na kayo gagambalain pa. Subalit kami po ay nililipol na!” Itinanong ng hari, “Sinong may pakana ng mga bagay na ito?” Sumagot si Ester, “Ang aming kaaway at taga-usig—ang masamang, si Haman!” At si Haman ay nangatog sa takot sa harap ng hari at ng reyna. Galit na galit na tumindig ang hari at nagpunta sa hardin ng palasyo. Naiwan naman si Haman at nagmakaawa kay Reyna Ester sapagkat natitiyak niyang siya'y paparusahan ng hari. Nang magbalik ang hari, nakita niyang nakadapa si Haman sa harap ng reyna na noo'y nakahiga. Dahil dito'y pagalit na sinabi ng hari, “Pagbabalakan pa niya ng masama ang reyna at sa loob pa naman ng aking pamamahay?” Hindi pa halos natatapos ang salita ng hari, tinakpan na ng mga lingkod ng hari ang mukha ni Haman. Pagkatapos, sinabi ni Harbona, isa sa mga eunuko ng hari, “Nagpagawa na po si Haman ng isang bitayan para kay Mordecai na nagligtas sa buhay ninyo, Mahal na Hari. Ang taas po ng bitayan ay dalawampu't dalawa't kalahating metro at naroon sa tabi ng kanyang bahay.” “Doon siya bitayin!” utos ng hari. Binitay nga si Haman sa bitayang ginawa niya para kay Mordecai. Pagkatapos, napawi na ang galit ng hari. Nang araw ding iyon, ang mga ari-arian ni Haman na kaaway ng mga Judio ay ibinigay ni Haring Xerxes kay Reyna Ester. Napabilang rin si Mordecai sa mga kagawad na malapit sa hari sapagkat sinabi ni Ester na magkamag-anak sila. Ang singsing na pantatak ng hari ay kinuha kay Haman at ibinigay kay Mordecai na siyang ginawang katiwala ni Ester sa dating bahay ni Haman. Minsan pang lumapit si Ester kay Haring Xerxes at lumuluhang idinulog dito ang utos tungkol sa paglipol sa mga Judio na binalak ni Haman na Agagita. Itinuro ng hari ang kanyang setro kay Ester. Tumayo naman si Ester at kanyang sinabi, “Kung mamarapatin ninyo at makalulugod sa inyo, Kamahalan, nais kong hilingin na inyong ipawalang-bisa ang utos na pinakalat ni Haman na Agagita, anak ni Hamedata, laban sa mga Judio sa inyong kaharian. Hindi ko po makakayanang makita na nililipol at pinapatay ang aking mga kalahi.” Sinabi ni Haring Xerxes kay Reyna Ester at kay Mordecai na Judio, “Ang ari-arian ni Haman ay ibinigay ko na kay Ester. Ipinabitay ko na si Haman dahil sa masama niyang balak sa mga Judio.” Sinabi rin ng hari sa kanila, “Gumawa ka ng isang utos para sa mga Judio at isulat ninyo rito ang gusto ninyong isulat sa pangalan ko, at tatakan mo ng aking singsing. Sapagkat walang sinumang makapagpapawalang-bisa sa utos ng hari lalo na kung ito'y tinatakan ng singsing ng hari.” Nang ikadalawampu't tatlong araw ng ikatlong buwan, ipinatawag lahat ang mga kalihim ng hari. Ipinasulat ni Mordecai sa kanila ang isang liham tungkol sa mga Judio upang ipadala sa mga gobernador at mga tagapangasiwa at mga pinuno ng 127 lalawigan, mula sa India hanggang Etiopia. Ang utos ay nakasulat sa wikang ginagamit sa lugar na padadalhan. Ang sulat na ito ay sa pangalan ni Haring Xerxes, at may tatak ng singsing nito. Pagkatapos, ipinadala sa mga tagahatid-sulat, sakay ng mabibilis nilang kabayo mula sa kuwadra ng hari. Sa pamamagitan ng sulat na ito, ipinahihintulot ni Haring Xerxes na magsama-sama ang mga Judio upang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa sinumang sasalakay sa kanila mula sa alinmang lalawigan. Pinahihintulutan din silang patayin, lipulin at samsaman ng ari-arian ang hukbong sasalakay sa kanila, pati ang mga kababaihan at mga bata. Gagawin nila ito sa buong kaharian sa loob ng isang araw, sa ikalabintatlo ng ikalabindalawang buwan ng taon. Bawat lalawigan ay padadalhan ng sipi nito at ipahahayag sa lahat ng tao para makapaghanda ang mga Judio sa araw na yaon laban sa kanilang mga kaaway. Kaya, ang mga tagahatid-sulat ay nagmamadaling lumakad, sakay ng mabibilis na kabayo ng hari at sinunod agad ang utos ng hari. Ang utos ay ikinalat din sa Lunsod ng Susa. Nang lumabas ng palasyo si Mordecai, ipinagbunyi siya ng buong Lunsod ng Susa. Suot niya ang maharlikang kasuotan: puti't asul ang kanyang damit, pinong lino na kulay ube ang balabal, at malaki ang koronang ginto. Ito'y malaking karangalan ng mga Judio. Masayang-masaya sila. Sa lahat ng dakong naabot ng utos ng hari, nagpista sa tuwa ang mga Judio. At sa buong kaharian, marami ang nagsabing sila'y Judio sa takot na sila'y patayin. Dumating ang ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan ng taon. Ito ang araw ng pagsasagawa ng utos ng hari, ang araw na inaasam-asam ng mga kaaway ng mga Judio, sapagkat inaasahan nilang sa araw na ito nila lilipulin ang mga Judio. Ngunit hindi nila alam na mababaligtad ang pangyayari, sapagkat sila ang lilipulin ng mga Judio. Nang araw na iyon, nagsama-sama ang lahat ng Judio sa buong kaharian upang labanan ang sinumang mananakit sa kanila. Ngunit wala namang nangahas magbuhat ng kamay sa kanila sapagkat natakot sa kanila ang lahat. Tinulungan pa sila ng mga gobernador at ng lahat ng pinuno sa bawat lalawigan dahil naman sa takot kay Mordecai na noon ay isa nang makapangyarihang tao sa kaharian. Bantog na sa buong kaharian ang kanyang pangalan at patuloy pang lumalaki ang kanyang kapangyarihan. Nilipol nga ng mga Judio ang kanilang mga kaaway at ginawa nila ang kanilang gusto sa lahat ng napopoot sa kanila. Sa lunsod lamang ng Susa, limandaan ang kanilang napatay. Kasama sa napatay sina Farsandata, Dalfon, Aspata, Porata, Adalia, Aridata, Parmasta, Arisai, Aridai at Vaizata, pawang mga anak ni Haman na anak ni Hamedata at kaaway ng mga Judio. Ngunit hindi nila sinamsam ang ari-arian ng kanilang mga kaaway. Nang araw ring iyon, umabot sa kaalaman ng hari ang bilang ng napatay sa Lunsod ng Susa. Sinabi ng hari kay Reyna Ester, “Sa Susa lamang, limandaan na ang napatay, kasama na ang sampung anak na lalaki ni Haman. Ano kaya ang nangyari sa ibang lalawigan? Ngayon, sabihin mo sa akin kung ano pa ang gusto mo at ibibigay ko sa iyo.” Sinabi ni Ester, “Kung mamarapatin po ng hari ay pahintulutan ang mga Judio rito sa Susa na ituloy hanggang bukas ang inyong utos. At kung maaari, ipabitin sa bitayan ang bangkay ng mga anak ni Haman!” Iniutos nga ng hari na ibitin ang bangkay ng sampung anak ni Haman. Kinabukasan, muling nagsama-sama ang mga Judio sa Susa at nakapatay pa sila ng tatlong daan. Subalit hindi rin nila sinamsam ang ari-arian ng kanilang mga napatay. Ang mga Judio sa iba't ibang panig ng kaharian ay nagsama-sama rin upang ipagtanggol ang kanilang sarili at lupigin ang kanilang mga kaaway. Umabot sa pitumpu't limanlibo ang kanilang napatay ngunit hindi nila sinamsam ang ari-arian ng mga ito. Ginawa nila ito nang ikalabintatlong araw ng ikalabindalawang buwan. At nang ikalabing apat na araw, namahinga sila at maghapong nagdiwang. Sa Lunsod ng Susa, dalawang araw na nagtipon ang mga Judio noong ikalabintatlo at ikalabing apat na araw. Ikalabing limang araw nang sila'y tumigil at nagdiwang buong maghapon. Ito ang dahilan kung bakit ang mga Judio sa labas ng Susa ay nagdiriwang nang ikalabing apat na araw ng ikalabindalawang buwan. Maghapon silang nagpista at nagbigayan ng mga pagkain bilang regalo sa isa't isa. Ang mga pangyayaring ito'y isinulat ni Mordecai, at sinulatan niya ang lahat ng Judio malayo man o malapit sa kaharian ni Haring Xerxes. Ipinag-utos niya na ipagdiwang taun-taon ang ikalabing apat at ikalabing limang araw ng ikalabindalawang buwan. Itatangi ito ng mga Judio sapagkat sa mga araw na ito nila nalipol ang kanilang mga kaaway. Sa mga araw na iyon, ang kalungkutan nila'y naging kagalakan at naging pagdiriwang ang kanilang pagdadalamhati. Sa mga araw ding iyon, nagbibigayan ng mga pagkain at namamahagi ng mga regalo sa mga dukha. Sinunod nga ng mga Judio ang utos ni Mordecai. Ang paglipol na ito sa mga kaaway ay ginawa ng mga Judio dahil sa masamang balak na lipulin sila ni Haman na Agagita, anak ni Hamedata, kaaway ng mga Judio. Naitakda ang petsa ng paglipol sa pamamagitan ng palabunutang tinatawag na Pur. Ngunit nabaligtad nga ang lahat nang umabot ito sa kaalaman ni Haring Xerxes sa pamamagitan ni Reyna Ester. Nang malaman ito ng hari, nagpakalat siya ng sulat at iniutos na kay Haman gawin ang masamang balak nito sa mga Judio. Ipinabitay siya ng hari gayundin ang kanyang mga anak na lalaki. Kaya, ang pistang ito'y tinawag nilang Pista ng Purim, buhat sa salitang Pur. At dahil sa utos na ito ni Mordecai at sa pagkaligtas nila sa panganib, ipinasiyang ipagdiwang ang dalawang araw na ito taun-taon. Ito'y gagawin nila, ng kanilang lahi at ng lahat ng mapapabilang sa kanila. Patuloy itong aalalahanin ng lahat ng salinlahi, ng bawat sambahayan sa lahat ng lalawigan at lunsod. Hindi nila ito kaliligtaan, hindi rin ititigil. Upang pagtibayin ang sulat ni Mordecai tungkol sa Purim, sumulat din si Reyna Ester na anak ni Abihail ng liham na naghahatid ng katotohanan at kapayapaan sa 127 lalawigan na sakop ni Haring Xerxes. Ipagdiriwang ng lahat ng Judio ang Purim sa takdang panahon tulad ng ipinag-utos ni Mordecai at ni Reyna Ester. Susundin nila ito tulad ng pagsunod nila at ng kanilang mga salinlahi sa mga tuntunin sa pag-aayuno at pagdadalamhati. Pinagtibay ng sulat ni Ester ang mga tuntunin sa pagdiriwang ng Pista ng Purim at isinulat ito sa isang aklat. Pinagbuwis ni Haring Xerxes ang mga lupain at ang maliliit na pulo na kanyang nasasakupan. Ang kapangyarihan ng hari, ang lahat ng ginawa niya, pati ng pagkataas sa katungkulan ni Mordecai at ang malaking karangalang ibinigay niya rito ay pawang nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga Hari ng Media at Persia. Si Mordecai na isang Judio ay naging kanang kamay ni Haring Xerxes. Siya ay mahal na mahal at iginalang ng mga kapwa niya Judio sapagkat ginawa niya ang lahat para sa kapakanan at kabutihan nila. May isang lalaking nakatira sa lupain ng Uz na nagngangalang Job. Siya'y isang mabuting tao, sumasamba sa Diyos at umiiwas sa masamang gawain. Mayroon siyang pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae. Marami siyang tagapaglingkod at siya ang pinakamayaman sa buong silangan. Pitong libo ang kanyang tupa, tatlong libo ang kamelyo, sanlibo ang baka at limandaan ang asno. Nakaugalian na ng kanyang mga anak na lalaki na hali-haliling magdaos ng handaan sa kani-kanilang bahay at inaanyayahan nila ang mga kapatid nilang babae. Tuwing matatapos ang ganoong handaan, ipinapatawag ni Job ang kanyang mga anak para sa isang rituwal. Maagang bumabangon si Job kinabukasan upang mag-alay sa Diyos ng handog na sinusunog para sa kanyang mga anak dahil baka lihim na nilalapastangan ng mga ito ang Diyos at sila'y magkasala. Dumating ang araw na ang mga anak ng Diyos ay humarap kay Yahweh at naroon din si Satanas. Tinanong ni Yahweh si Satanas, “Ano ba'ng pinagkakaabalahan mo ngayon?” “Nagpapabalik-balik ako sa lahat ng sulok ng daigdig,” sagot ni Satanas. “Napansin mo ba ang lingkod kong si Job?” tanong ni Yahweh. “Wala siyang katulad sa daigdig. Mabuti siyang tao, sumasamba sa akin, at umiiwas sa masamang gawain,” dugtong pa ni Yahweh. Sumagot si Satanas, “Sasambahin pa kaya kayo ni Job kung wala na siyang nakukuha mula sa inyo? Inaalagaan ninyo siya, ang kanyang pamilya at ang lahat ng ari-arian niya. Pinagpapala ninyo ang lahat ng kanyang gawin, at halos punuin ninyo ng kanyang kayamanan ang buong lupain. Subukan ninyong alisin ang lahat-lahat sa buhay niya at harap-harapan niya kayong susumpain.” Sinabi ni Yahweh kay Satanas, “Kung gayon, gawin mo nang lahat ang gusto mong gawin sa kanya, huwag mo lamang siyang sasaktan.” At umalis si Satanas sa harapan ni Yahweh. Isang araw, nagkakainan at nag-iinuman ang mga anak ni Job sa bahay ng kanilang panganay na kapatid na lalaki. Walang anu-ano'y dumating kay Job ang isa niyang tauhan. Sinabi nito, “Kasalukuyan po naming pinang-aararo ang mga baka at nanginginain naman ang mga asno, nang may dumating na mga Sabeo. Kinuha po nila ang mga baka at mga asno at pinatay pa po ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas upang magbalita sa inyo.” Hindi pa ito nakakatapos sa pagbabalita nang may dumating na namang isa. Sinabi naman nito kay Job, “Tinamaan po ng kidlat ang mga tupa at mga pastol at namatay lahat; ako lang po ang nakaligtas upang magbalita sa inyo.” Hindi pa ito halos tapos magsalita nang may isa na namang dumating. Ang sabi nito, “Sinalakay po kami ng tatlong pangkat ng mga Caldeo. Kinuha nila ang lahat ng kamelyo at pinatay ang aking mga kasama. Ako lang po ang nakatakas upang magbalita sa inyo.” Hindi pa rin ito halos tapos magsalita nang may dumating na namang isa at nagsabi, “Habang ang mga anak po ninyo ay nagkakainan at nag-iinuman sa bahay ng panganay nilang kapatid, hinampas po ng napakalakas na hangin ang bahay at bumagsak. Nabagsakan po sila at namatay lahat. Ako lang po ang natirang buháy upang magbalita sa inyo.” Tumayo si Job, pinunit ang kanyang damit at nag-ahit ng ulo. Pagkatapos, nagpatirapa siya at sumamba sa Diyos. Ang sabi niya, “Hubad akong lumabas sa sinapupunan ng aking ina, hubad din akong babalik sa lupa. Si Yahweh ang nagbigay, si Yahweh rin ang babawi. Purihin si Yahweh!” Sa kabila ng mga pangyayaring ito, hindi niya sinisi ang Diyos, kaya't hindi siya nagkasala laban sa kanya. Muling humarap kay Yahweh ang mga anak ng Diyos, at naroon din si Satanas. Tinanong ni Yahweh si Satanas, ang Tagapagparatang. “Saan ka nanggaling?” Sumagot si Satanas, “Nagpapabalik-balik at naglilibot ako sa buong daigdig.” “Napansin mo ba ang lingkod kong si Job?” tanong ni Yahweh. “Wala siyang katulad sa daigdig. Mabuti siyang tao, sumasamba sa akin, at umiiwas sa masamang gawain. Hinimok mo akong pinsalain siya kahit walang sapat na dahilan, subalit nananatili pa rin siyang tapat sa akin,” sabi pa ni Yahweh. Sumagot si Satanas, “Kahit anong bagay ay ibibigay ng tao, huwag lamang siyang mamatay. Subukin ninyong saktan ang kanyang katawan at sigurado kong susumpain niya kayo nang harap-harapan!” Sinabi ni Yahweh, “Kung gayon, gawin mo ang gusto mong gawin sa kanya, huwag mo lamang siyang papatayin.” Kaya umalis si Satanas sa harapan ni Yahweh at tinadtad ng nagnanaknak na sugat ang buo nitong katawan mula ulo hanggang talampakan. Naupo si Job sa tabi ng basurahan at kinamot niya ng isang pirasong basag na palayok ang kanyang mga sugat. Sinabi ng kanyang asawa, “Mananatili ka pa bang matuwid? Sumpain mo ang Diyos at nang mamatay ka na!” Ang sagot ni Job, “Hindi mo naiintindihan ang iyong sinasabi. Pagpapala lang ba ang tatanggapin mo sa Diyos? Hindi ba natin tatanggapin kung bigyan niya tayo ng pagdurusa?” Sa kabila ng kanyang paghihirap, hindi nagsalita si Job ng laban sa Diyos. Ang masamang nangyari kay Job ay nabalitaan ng tatlo niyang kaibigang si Elifaz na Temaneo, si Bildad na Suhita, at si Zofar na Naamita. Nagkasundo silang tatlo na dalawin si Job upang palakasin ang loob niya at makiramay sa kanya. Malayo pa sila'y nakita na nila si Job ngunit hindi nila ito nakilala. Nang makilala nila ito, hindi nila napigilang umiyak nang malakas. Pinunit nila ang kanilang mga damit at naglagay ng abo sa ulo dahil sa pagdadalamhati. Pitong araw at pitong gabi silang naupo sa lupa kasama ni Job. Ngunit hindi nila ito pinagsabihan ng kahit ano sapagkat nakikita nilang hirap na hirap ito sa kanyang kalagayan. Pagkaraan ng matagal na pananahimik, nagsalita si Job at isinumpa ang araw nang siya'y isilang. Ito ang kanyang sinabi: “Hindi na sana ako ipinanganak pa at hindi na rin sana ako ipinaglihi. Nabalot na sana ng dilim at huwag mo na sanang maalala pa ang araw na iyon, O Diyos. Huwag mo na sanang pasikatan pa ito ng liwanag. Nanatili na lamang sana ito sa takip ng kadiliman, at nabalot ng ulap, upang huwag nang sikatan ng araw. Nalagas sana ito sa tangkay ng panahon, at hindi na napabilang sa aklat ng kasaysayan. Ang gabing iyon sana'y malumbay; wala na sanang sigaw ng kagalakan, at sumpain ng mga salamangkerong nagpapaamo ng dambuhalang Leviatan. Huwag na sanang sumikat ang bituin sa umaga, at huwag na sanang sundan ng umaga ang gabi. Sumpain ang gabi ng aking pagsilang na nagdulot sa akin ng ganitong kahirapan. “Bakit hindi pa ako namatay sa tiyan ng aking ina, o kaya'y noong ako'y isilang niya? Bakit kaya ako ay idinuyan pa, kinalong, inalagaan, at binigyan ng gatas sa dibdib niya? Kung namatay ako noon, ako sana'y tahimik na, mahimbing na natutulog at nagpapahinga. Katulad ng mga hari at pinunong yumao, na noong panahon nila'y nagtayo ng mga palasyo. Tahimik na sana ako tulad ng mga pinunong nakapag-imbak sa kanilang bahay ng mga ginto at pilak, o tulad ng mga sanggol na patay nang ipanganak at hindi na nakakita pa ng liwanag. Sa libinga'y hindi na makakapanggulo ang mga masasama, at doon ang mga napapagod ay makakapagpahinga. Doon, pati mga bihag ay wala nang ligalig, wala nang mga sigaw at utos na mabagsik. Ang mga abâ at mga dakila ay sama-sama roon, ang mga alipin ay malaya na sa kanilang panginoon. “Bakit pa isinilang kung magdurusa rin lamang? At bakit pa binuhay kung daranas din lang ng kahirapan? Kamataya'y hinahanap ngunit hindi matagpuan, hinuhukay at ninanais higit pa sa kayamanan. Sa kanila'y ubod-tamis nitong kamatayan. Ano kaya ang dahilan at ang tao'y isinilang, kung inilihim naman ng Diyos ang kanyang patutunguhan? Karaingan ang aking pagkain, pagtitiis ang aking inumin. Ang kinatatakutan ko ang siyang nangyari sa akin, at ang pinakaaayawan ko ang dumating sa akin. Hindi ako mapalagay, wala akong kapayapaan, kaguluhan sa buhay ko ay walang katapusan.” Sinabi ni Elifaz na Temaneo, “Huwag mo sanang ikasamâ ng loob ang aking sasabihin, di ko na kayang manahimik, di na ako makapagpigil. Marami na ring tao ang iyong naturuan, at mahihinang kamay ay iyong natulungan. Salita mo'y nagpalakas sa nanlulupaypay, sa mahina't pagod pangaral mo'y umalalay. Ngayong ikaw na ang dumaranas ng matinding kahirapan, nawawalan ka ng pag-asa at parang nais mong mabuwal? Di ba't may takot ka sa Diyos at masunurin sa kanya? Kaya dapat magtiwala ka at magkaroon ng pag-asa. “Isipin mong mabuti: mayroon bang walang sala na napahamak ang buhay, mayroon bang mabuting tao na dumanas ng kasawian? Ang alam ko'y ang mga naghahasik ng kasamaan ay sila ring nag-aani ng kaguluhan. Kaya naman ang Diyos sa tindi ng galit sa kanila, parang dinaanan ng bagyo sila'y pinupuksa niya. Mga masasamang tao'y parang leong umuungal, ngunit pinatatahimik sila ng Diyos, ngipin nila'y tinatanggal. Para silang leong walang mabiktima, namamatay sa gutom, at nagkakawatak-watak ang mga anak nila. “Minsan, ako ay may narinig, salitang ibinulong sa aking pandinig. Sa lalim ng hatinggabi parang ako'y nanaginip kung kailan ang tao'y mahimbing na naiidlip. Ako'y sinakmal ng matinding takot, ako'y kinilabutan at nangatog ang tuhod. Malamig na hangin, dumampi sa mukha ko, sa takot ay nagtayuan ang aking balahibo. May nakita akong doon ay nakatayo, ngunit di ko mapagwari ang kanyang anyo. Maya-maya, narinig ko ang isang tinig: ‘Maaari bang maging matuwid ang isang tao sa paningin ng Diyos? Sa harap ng Lumikha, mayroon bang malinis ang loob? Mga lingkod niya sa langit di niya pinagkakatiwalaan, sa kanya mismong mga anghel may nakikita siyang kamalian. Paano pa siya magtitiwala sa taong mula sa alabok? Tulad ng gamu-gamo, ito ay marupok. Ang tao'y buháy ngayon, ngunit hindi tiyak kung mamaya; siya pala ay patay na, di pa alam nitong madla. Ang lahat niyang taglay sa kanya'y mawawala, sa kanyang pagkamatay kulang pa rin sa unawa.’ “Sumigaw ka, Job, kung may sasagot sa iyo. Mayroon bang anghel na sa iyo'y sasaklolo? Ang sama ng loob ay pumapatay sa mga taong hangal. Ang pagkainggit ay kumikitil sa mga taong mangmang. Nakakita na ako ng mga hangal na panatag kung titingnan, ngunit bigla kong sinusumpa ang kanilang mga tahanan. Walang matakbuhan ang kanilang mga anak, walang sinuman ang sa kanila'y magligtas. Ang kanilang ani'y kinakain ng mga gutom, kahit ang nasa tinikan, inaagaw sa kanila. Ninanasa ng mga uhaw ang kayamanan nila. Ang kahirapa'y hindi sa alabok nagmula, at ang kaguluha'y hindi tumutubo sa lupa. Tiyak na daranas ng kahirapan ang tao, kung paanong may tilamsik ng apoy sa apuyan. “Kung ako sa iyo, lalapit ako sa Diyos, at ang aking kalagayan, sa kanya idudulog. Mga dakilang gawa niya'y di natin mauunawaan, mga kababalaghan niya ay walang katapusan. Ang lupa'y pinadadalhan niya ng ulan, mga bukiri'y kanyang pinatutubigan. Ang nagpapakumbabá ay kanyang itinataas, ang mga nalulungkot, kanyang inililigtas. Mga pakana ng mga tuso'y kanyang sinisira, kaya anumang gawin nila'y wala silang napapala. Ang mga tuso'y inihuhulog niya sa sarili nilang bitag, kanilang mga pakana'y kaagad nagwawakas. Di makita ang daan kahit na sa araw, sila'y nangangapa kahit katanghalian. Ngunit inililigtas ng Diyos ang mga ulila, iniaahon niya sa kaapihan ang mga dukha. Binibigyan niya ng pag-asa ang mga dukha, pinatatahimik niya ang masasama. “Mapalad ang taong dinidisiplina ng Diyos na Makapangyarihan, ang pagtutuwid niya sa iyo'y huwag mong ipagdamdam. Ginagamot niya ang kanyang nasugatan, pinapagaling niya ang kanyang nasaktan. Sa tuwi-tuwina, paningin niya'y nasa iyo, upang ikaw ay ingatan, laging handang sumaklolo. Sa panahon ng taggutom, di ka niya pababayaan, at kung sa digmaan ay hindi ka niya iiwan. Ililigtas ka niya sa dilang mapanira, at di ka matatakot sa kapahamakan. Kaguluhan at taggutom, iyo lamang tatawanan, at mababangis na hayop, hindi mo katatakutan. Walang mga bato sa bukid na iyong sasakahin, maiilap na hayop, di ka lalapain. Magiging ligtas ang iyong tahanan, at ang iyong mga kawan ay hindi mababawasan. Ang lahi mo ay di mapipigil sa paglaki; tulad ng damo, ang mga supling mo ay darami. Tatamasahin mo ang mahabang buhay, katulad ng bungang nahinog sa panahon ng anihan. Ang mga ito'y aming matagal na pinag-aralan, pakinggan mo't alamin pagkat ito'y katotohanan.” Ang sagot ni Job: “Ang suliranin ko't paghihirap, kung titimbanging lahat, magiging mabigat pa kaysa buhangin sa dagat; kaya mabibigat kong salita'y huwag ninyong ikagulat. Ako'y pinana ng Diyos na Makapangyarihan, lason ng palaso'y kumalat sa aking katawan, galit ng Diyos, sa akin ay inihanay. Walang angal ang asno kung sa damo ay sagana, at ang baka ay tahimik kung may dayaming nginunguya. Ang pagkaing walang asin, may sarap bang idudulot? Mayroon bang lasa ang puti ng itlog? Sa lahat ng iyan ay nawala ang aking gana, sapagkat kung kainin ko man, pilit na ring isusuka. “Ibigay sana ng Diyos ang aking hinihiling, sana'y ipagkaloob niya ang aking hangarin. Higit ko pang nanaisin at aking ikagagalak ang buhay na taglay ko ay bigyan na niya ng wakas. Kapag nangyari ito, ako'y liligaya, sa gitna ng pagdurusa, lulundag sa saya. Alam kong banal ang Diyos, kaya di ko sinusuway, kanyang mga utos. Ang lakas ko ay ubos na, di na ako makatagal, kung wala rin lang pag-asa ay bakit pa mabubuhay? Ako nama'y hindi bato, at hindi tanso ang katawan ko. Ako'y wala nang lakas upang iligtas ang sarili ko, wala na akong matakbuhan upang hingan ng saklolo. “Sa magulong kalagayan, kailangan ko'y kaibigan, tumalikod man ako o hindi sa Diyos na Makapangyarihan. Ngunit kayong mga kaibigan ko'y di ko maaasahan, para kayong sapang natutuyo kapag walang ulan. Sa paghahanap ng tubig, naliligaw ang mga manlalakbay, at sa gitna ng disyerto ay doon na namamatay. Naghanap ang manlalakbay na taga-Tema at ang taga-Seba, ngunit pag-asa nila'y nawala sa tabi ng tuyong sapa. Para kayong mga batis na ang tubig ay natuyo; kaya kayo ay nabigla nang makita n'yo ang aking anyo. Sa inyo ba kahit minsan ako ay nagpatulong? Kailan ba ako humingi sa inyo ng pansuhol? Ako ba kahit minsa'y napasaklolo sa inyo? Hiniling ko bang sa kaaway ay tubusin ninyo ako? “Pagkakamali ko'y sabihin at ako'y turuan, ako'y tatahimik upang kayo'y pakinggan. Mga salitang tapat, kay gandang pakinggan, ngunit mga sinasabi ninyo'y walang katuturan. Kung ang sinasabi ko ay walang kabuluhan, bakit ninyo sinasagot itong aking karaingan? Kahit sa mga ulila kayo'y magpupustahan, pati kaibigan ninyo'y inyong pagsusugalan. Tingnan ninyo ako nang harapan, hindi ko kayo pagsisinungalingan, Lumalabis na ang mali ninyong paratang, tigilan n'yo na iyan pagkat ako'y nasa katuwiran. Akala ninyo ang sinasabi ko'y hindi tama, at hindi ko nakikilala ang mabuti sa masama. “Ang buhay ng tao'y punung-puno ng pagod, tulad ng kawal at manggagawang pilit na pinaglingkod. Siya'y tulad ng alipin, na naghahanap ng lilim, tulad ng manggagawa, sahod ang ninanasa. Buhay ko'y wala nang kahulugan sa paglipas ng mga buwan, at tuwing sasapit ang gabi ako ay nagdadalamhati. Ang gabi ay matagal, parang wala nang umaga, di mapanatag sa higaan, hanggang umaga'y balisa. Itong buo kong katawan ay tadtad ng mga sugat, inuuod, kumikirot, ang nana ay lumalabas. Mga araw ko'y lumilipas nang walang pag-asa, kay bilis umikot parang sa makina. “Alalahanin ninyong ang buhay ko'y isang hininga lamang, hindi na ako muling makakakita nang kabutihan. Kaunting panahon na lang at ako ay papanaw, di na ninyo ako makikita, at di na matatagpuan. Tulad ng ulap na napapadpad at naglalaho, kapag namatay ang tao, di na siya makakabalik sa mundo. Hindi na siya makakauwi kailanman, mga kakilala niya, siya'y malilimutan. Kaya ako'y hindi mapipigil na magbuka nitong bibig, upang ibulalas ang pait sa loob ng aking dibdib. Bakit ako'y inyong binabantayan? Ako ba'y dambuhalang mula sa karagatan? Ako ay nahihiga upang ako'y magpahinga, upang kahit sandali sakit ko ay mapawi. Ngunit maging sa pagtulog ako'y iyong tinatakot, masasamang panaginip, pangitain at mga bangungot. Kaya, nais ko pang ako ay mabigti, kaysa mabuhay sa katawang may pighati. Ako'y hirap na hirap na, ayaw ko nang mabuhay; iwan mo na ako, buhay ko'y wala rin lang saysay. “Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan, bakit pinapansin mo ang kanyang mga galaw? Tuwing umaga siya'y iyong sinusuri, sinusubok mo siya sa bawat sandali. Kahit saglit, ilayo mo sa akin ang iyong tingin, nang ako'y magkapanahon na laway ay lunukin. Kung ako'y nagkasala, ano ba naman iyon sa iyo? Ikaw na tagapagmasid ng mga tao, bakit ba ako ang napagbubuntunan mo? Ako ba ay isang pabigat sa iyo? Bakit di pa patawarin ang aking kasalanan? Bakit di pa kalimutan ang aking pagkukulang, ako rin lang ay patungo na sa huli kong hantungan? Ako'y iyong hahanapin ngunit di matatagpuan.” Ito naman ang sagot ni Bildad na Suhita: “Hanggang kailan ka magsasalita ng ganyan, mga salitang parang hangin at walang kabuluhan? Hindi pinipilipit ng Diyos ang katarungan; hindi binabaluktot ng Makapangyarihan ang katuwiran. Maaaring nagkasala sa Diyos ang iyong mga anak, kaya't ibinigay niya sa kanila ang parusang nararapat. Ngunit kung ikaw ay lalapit at makiusap sa Diyos na Makapangyarihan, kung ikaw ay talagang tapat, at malinis ang kalooban, tutulungan ka ng Diyos; gagantimpalaan at ibabalik niya ang iyong sambahayan. Maliit na bagay ang mga nawala mong kayamanan, kung ihahambing ang sa iyo'y kanyang ibibigay. “Alamin mo ang mga nagdaang kasaysayan, itanong sa matatanda ang kaalamang natuklasan. Buhay nati'y maikli lang, at kaalaman nati'y kulang; parang anino lamang tayong dumaan sa ibabaw ng sanlibutan. Pakaisipin mo ang kanilang mga aral, ang kanilang sinasabi ay iyong pakinggan. “Ang halaman sa tubigan ay di mabubuhay, kundi sa matubig at malamig na lugar lamang. Ito'y unang nalalanta kapag ito ay natuyuan, kahit bagong tubo pa lang at di pa napuputulan. Ganyan ang katulad ng mga taong walang Diyos, pag-asa ay mawawala kapag ang Diyos ay nilimot. Ang mga bagay na pinagkakatiwalaan nila'y kasingrupok lamang ng sapot ng gagamba. Kapag ito'y sinandalan, agad itong nalalagot, kapag ito'y hinawakan, tiyak itong masisira. “Ang masasamang tao'y parang damong nagsusulputan, tulad ng masamang damong kumakalat sa halamanan. Bumabalot sa mga bato ang kanilang mga ugat, at sa bawat bato sila'y humahawak. Ngunit kapag sila'y nabunot sa kinatatamnan, wala nang nakakaalala sa dati nilang kalagayan. Ganyan ang kasiyahan ng masasamang tao, may iba namang lilitaw at kukuha ng kanilang puwesto. “Hindi pababayaan ng Diyos ang mabuting tao, ngunit sa masama'y hindi siya sasaklolo. Patatawanin ka niya at pasisigawin sa tuwa, ngunit ang mga kaaway mo'y kanyang ipapahiya, at ang tahanan ng masasama ay ganap na mawawala.” Ito naman ang tugon ni Job: “Matagal ko nang alam ang mga bagay na iyan, ngunit sino bang matuwid sa harap ng Maykapal? Mayroon bang maaaring makipagtalo sa kanya? Sa sanlibo niyang tanong, walang makakasagot kahit isa. Ang Diyos ay matalino at makapangyarihan, sinong lumaban na sa kanya at nagtagumpay? Walang sabi-sabing inuuga niya ang bundok, sa tindi ng kanyang galit, ito'y kanyang dinudurog. Ang buong lupa ay kanyang niyayanig, at inuuga niya ang saligan ng daigdig. Maaari niyang pigilan ang pagsikat ng araw, pati ang mga bituin sa kalangitan. Mag-isa niyang inilatag ang sangkalangitan, kanyang tinapakan ang dambuhalang karagatan. Siya ang gumawa ng mga bituin sa kalawakan, sa ‘Oso,’ sa ‘Orion,’ sa ‘Pleyades’ at sa mga kumpol ng mga bituin sa katimugan. Makapangyarihan niyang gawa ay hindi maunawaan, ang kanyang mga himala ay hindi mabibilang. Siya'y nagdaraan ngunit hindi ko mamasdan, siya'y kumikilos ngunit hindi ko maramdaman. Nakukuha niya ang anumang magustuhan, at sa kanya'y walang makakahadlang, walang makakapagtanong, ‘Bakit mo ginawa iyan?’ “Ang poot ng Diyos ay hindi maglulubag sa mga tumulong sa dambuhalang si Rahab. Paano ko masasagot ang tanong niya sa akin? Maghahanap pa ako ng mga salitang aking bibigkasin. Kahit ako'y walang sala, ang tangi kong magagawa, sa harap ng Diyos na hukom ay magmakaawa. Kahit bayaan niyang ako'y magsalita, hindi ko rin matiyak kung ako'y papakinggan nga. Malakas na bagyo at mga sugat ang sa aki'y ibinigay, kahit wala naman siyang sapat na dahilan. Ang hininga ko ay halos kanya nang lagutin, puro kapaitan ang idinulot niya sa akin. Sa lakas niyang taglay hindi siya kayang talunin, hindi siya maaaring pilitin at sa hukuman ay dalhin. Ako'y walang kasalanan at tapat na namumuhay, ngunit bawat sabihin ko ay laban sa aking katauhan. Wala nga akong sala, ngunit hindi na ito mahalaga, wala nang halaga ang aking sarili, pagod na akong mabuhay. Iisa ang pupuntahan ng lahat, ito ang aking nasabi. Kapwa wawasakin ng Diyos ang masama at ang mabuti. Kung ang taong matuwid ay biglang namatay, tinatawanan ng Diyos ang sinapit ng kawawa. Hinayaan niyang ang daigdig ay pagharian ng masama, ang paningin ng mga hukom ay tinatakpan niya. Kung di siya ang may gawa nito, sino pa nga kaya? “Ang aking mga araw ay mabilis lumilipas, walang mabuting nangyayari kaya't nagmamadaling tumatakas. Parang mabilis na bangka ang buhay kong ito, kasing bilis ng agila kung dumadagit ng kuneho. Kung kakalimutan ko na lang ang aking pagdurusa, at tatawanan ko na lang ang aking problema, nangangamba ako na inyong ipalagay, na ang kasawian ko ay bunga ng aking kasalanan. Kung ako'y napatunayan nang nagkasala, anong pagsisikap ang magagawa ko pa? Hindi ako malilinis ng kahit anong sabon, hindi na ako puputi kuskusin man ng apog, matapos mo akong ihagis sa napakaruming balon. Ikinahihiya ako maging ng aking sariling damit. Kung ang Diyos ay tao lang, siya'y aking sasagutin, kahit umabot sa hukuman ang aming usapin. Ngunit sa aming dalawa'y walang tagapamagitan, upang alitan namin ay kanyang mahatulan. Ang pamalo ng Diyos sana'y ilayo na sa akin, at huwag na sana niya akong takutin. At ihahayag ko ang nais kong sabihin, sapagkat ako ang nakakaalam ng sarili kong damdamin. “Ako'y nagsasawa na sa buhay kong ito, sasabihin ko nang lahat, mapapait kong reklamo. Aking Diyos, huwag n'yo muna akong hatulan, sabihin ninyo sa akin ang inyong paratang. Tama ba namang iyong pagmalupitan, parusahan at itakwil ang likha ng iyong kamay? At ang gawain ba ng masamang tao ang iyong magugustuhan? Ang iyo bang nakikita'y tulad din ng nakikita namin? Ang iyo bang buhay ay maikling tulad ng sa amin? Kung gayo'y bakit mo ako hinahanapan ng pagkakasala at kamalian? Alam mo namang wala akong kasalanan, at walang makakapagligtas sa akin mula sa iyong mga kamay. “Ang mga kamay mo ang sa aki'y lumikha, ngayo'y kamay mo rin ang sa aki'y sumisira. Di ba't mula sa lupa ay ginawa mo ako, ngayon ba'y pupulbusin at ibabalik dito? Niloob mong ako'y manggaling sa aking ama, inaruga, pinalaki sa tiyan ng aking ina. Nilagyan mo ng buto at litid ang aking katawan, saka binalutan ng balat at kalamnan. Ako'y binigyan mo ng buhay at wagas na pagmamahal, at ang pagkalinga mo ang sa aki'y bumuhay. Ngunit ngayo'y alam ko na, ang iyong balak, matagal nang panahong gusto akong ipahamak. Kapag ako'y nagkasala, ito'y iyong tinatandaan, upang ipagkait mo sa akin ang kapatawaran. Kapag ako'y nagkasala, may katapat itong parusa, kapag gumawa ako ng mabuti, wala namang gantimpala. Punung-puno ng kahihiyan, itong aking abang buhay. Kung ako'y magtagumpay, parang leon mong tutugisin, gumagamit ka pa ng himala upang ako'y kalabanin. Palagi kang may testigo laban sa akin, ang galit mo sa aki'y tumitindi bawat oras, palagi kang may naiisip na panibagong bitag. “Bakit mo hinayaang ako ay isilang pa? Namatay na sana ako bago pa mayroong sa aki'y nakakita. Bago ako isinilang ako sana'y namatay na, sa libingan sana nagtuloy mula sa tiyan ng aking ina. Maikli na ang aking buhay kaya't ako'y tigilan mo na upang sa aking natitirang araw makadama ng kaunting ginhawa. Ako'y malapit nang pumanaw, at hindi na magbabalik; ang pupuntahan ko'y madilim at mapanglaw na daigdig. Isang lupain ng anino at kaguluhan, na ang pinakailaw ay ang kadiliman.” Sumagot naman si Zofar na isang Naamita, “Palalampasin na lang ba ang napakarami mong sinabi? Tama ba ang isang tao kapag ito ay maraming salita? Akala mo ba'y di masasagot ang mga sinabi mo, at sa iyong pangungutya, kami'y di na makapagsasalita? Ipinipilit mong tama ang iyong paniniwala, at sa harap ng Diyos ika'y malinis na lubos. Magsalita sana ang Diyos upang ika'y masagot. Upang masabi sa iyo ang mga lihim ng karunungan, sapagkat napakalalim ng kanyang kaalaman, parusa nga niya sa iyo'y mas maliit kaysa iyong kasalanan. “Masusukat mo ba ang kapangyarihan ng Diyos? Kanyang kadakilaan, iyo bang maaabot? Higit itong mataas kaysa kalangitan, at mas malalim kaysa daigdig ng mga patay. Malawak pa iyon kaysa sanlibutan, higit na malaki kaysa karagatan. Kung dakpin ka ng Diyos at iharap sa hukuman, mayroon bang sa kanya'y makakahadlang? Kilala ng Diyos ang taong walang kabuluhan, kitang-kita niya ang kanilang kasamaan. Ang hangal ay maaaring tumalino kung ang mailap na asno ay ipinanganak nang maamo. “Ang iyong puso, Job, sa Diyos mo isuko at sa kanya iabot ang mga kamay mo. Alisin mo ang kasalanan sa iyong mga kamay, linisin mo sa kasamaan ang iyong tahanan. At taas noo kang haharap sa sanlibutan, matatag ang loob, walang kinatatakutan. Mga pagdurusa mo ay malilimutan, para lamang itong bahang nagdaan. Magliliwanag ang iyong buhay, higit pa sa sikat ng araw, ang buhay mong nagdilim ay magbubukang-liwayway. Papanatag ang buhay mo at mapupuno ng pag-asa; iingatan ka ng Diyos, at bibigyan ng pahinga. Wala kang kaaway na katatakutan; maraming lalapit sa iyo upang humingi ng tulong. Ngunit ang masama, kabiguan ang madarama, walang kaligtasan kahit saan sila magpunta, at kamatayan lamang ang kanilang pag-asa.” Ang sagot ni Job: “Walang duda na ikaw ang tinig ng bayan; kapag ika'y namatay, karunungan ay kasama mong papanaw. Kung may pang-unawa ka, ako'y mayroon din, di mo masasabing higit ka kaysa akin, lahat ng sinabi mo'y nalalaman ko rin. Pinagtatawanan ako ngayon ng aking mga kaibigan, kahit ako ay matuwid at walang kasalanan, minsan din nama'y sinagot ng Diyos ang aking kahilingan. Maginhawa ka ngayon, ngunit ako'y iyong kinukutya, hinahampas mo ang isang taong babagsak na sa hina. Ang mga tulisan at masasamang tao'y panatag ang buhay, kahit ang dinidiyos nila ay ang lakas nilang taglay. “Sa mga hayop at mga ibon ika'y may matututunan, magtanong ka sa kanila, at ikaw ay tuturuan. Kausapin mo ang lupa at ikaw ay tuturuan, magpapahayag sa iyo ang mga isda sa karagatan. Silang lahat ay nakakaalam na ang Diyos ang sa kanila'y lumalang. Ang Diyos ang nagpapagalaw sa lahat ng bagay, ang buhay ng bawat isa ay nasa kanyang mga kamay. Nalalasahan ng dila ang mga pagkain, naririnig ng tainga ang salitang dumarating. “Ang matatanda ay may taglay na karunungan, pinalawak ang unawa sa haba ng karanasan. Ngunit likas sa Diyos ang kaalaman at kapangyarihan, taglay niya'y karunungan at katalinuhan. Walang makakapagtayo muli ng kanyang giniba, sinumang ikulong niya'y walang makakapagpalaya. Nagkakaroon ng tagtuyot kapag pinigilan niya ang ulan, dumarating ang baha kapag tubig ay kanyang pinakawalan. “Makapangyarihan siya at laging nagtatagumpay, ang mandaraya at dinadaya ay nasa kanyang mga kamay. Inaalis niya sa mga pinuno ang taglay nilang dunong, ginagawa niyang hangal ang mga hukom. Inaalis niya sa mga hari ang pamamahala, at sila'y ginagapos niya ng mga tanikala. Maging mga pari'y kanyang hinihiya, mga nasa kapangyarihan kanyang ibinababâ. Mga pinagkakatiwalaang tao'y kanyang pinatatahimik, talino ng matatanda'y kanya ring inaalis. Mga pinuno'y inilalagay niya sa kahihiyan, mga namamahala'y inaalisan niya ng kalakasan. Pinakamalalim na hiwaga'y kanyang inihahayag, maitim na kadilima'y pinapalitan niya ng liwanag. Mga bansa'y pinapalakas niya't pinapalawak, ngunit kanya ring ginagapi at tuloy winawasak. Karunungan ng mga hari'y ginagawang kahangalan, sa pagpapasya'y nalilito, di alam ang pupuntahan. Sa dilim sila'y nangangapa, sa paglakad ay naliligaw, animo'y mga lasing, sa daan ay sumusuray. “Lahat ng sinabi mo ay narinig ko na rin, Ang alam mo'y alam ko rin, hindi ka higit sa akin. Hindi kayo ang kausap ko kundi ang Diyos na Makapangyarihan, sa kanya ko idudulog itong aking kalagayan. Ngunit kayo'y mga sinungaling, tulad ninyo'y manggagamot, na walang kayang pagalingin. Tumahimik na lamang sana kayo, baka akalain pa ng iba na kayo'y matalino. Pakinggan ninyo ngayon ang aking sasabihin, at ang aking panig ay inyong unawain. Bakit ba kayo'y nagsasalita ng di katotohanan? Makatutulong ba sa Diyos ang inyong kasinungalingan? Kayo ba ang tatayo at siya ay ipaglalaban? Kayo ba ang magtatanggol sa kanyang kalagayan? Kung siyasatin kayo ng Diyos, ano kaya ang makikita, siya ba'y inyong madadayang tulad ng iba? Tiyak na siya'y magagalit, kayo ay pagsasabihan, kahit pa lihim na mayroon kayong kinikilingan. Sasakmalin kayo ng takot pagkat siya'y makapangyarihan. Mga kasabihan ninyo'y walang silbi tulad ng abo, singhina ng putik ang mga katuwiran ninyo. “Tumahimik na lang kayo at ako'y pasalitain, hayaang mangyari ang mangyayari sa akin. Nakahanda akong itaya ang buhay kong angkin. Hindi ako natatakot kung ako man ay patayin, maiharap lamang sa kanya itong aking usapin. Maaaring iligtas ako ng aking katapangan, sapagkat wala namang masamang tao na makakaharap sa Maykapal. Pakinggan mong mabuti itong aking sasabihin, itong paliwanag ko ay iyong unawain. Nakahanda akong ilahad ang aking panig, sapagkat alam ko namang ako ay nasa katuwiran. “O Diyos, lalapit ka ba upang ako'y usigin? Kung gayon, handa akong manahimik at mamatay. Mayroon akong dalawang kahilingan, at ako'y di magtatago kung iyong papayagan. Itigil mo na itong pagpaparusa sa akin, at sa takot ay huwag mo akong patayin. “Magsalita ka, at aking tutugunin, o kaya'y sagutin mo ang aking sasabihin. Saan ba ako nagkamali, ano ba ang aking kasalanan? Pagkakasala ko'y maaari ko bang malaman? “Bakit ako'y iyong pinagtataguan? Bakit itinuturing mo akong isang kaaway? Para akong isang dahon, huwag mo na akong takutin, ang katulad ko'y ipa, na tinatangay ng hangin. Kay pait naman ng iyong mga paratang, kasalanan ko noong ako'y bata iyo pang ibinibilang. Itong aking mga paa'y nilagyan pa ng gapos, tinitingnan, sinusuri ang aking bawat kilos. Kaya't ako'y parang kahoy na nabubulok, parang damit na nasisira, unti-unting nauubos. “Ang buhay ng tao'y maikli lamang, subalit punung-puno ng kahirapan. Tulad ng bulaklak na namumukadkad, nalalanta at nalalagas, parang aninong nagdaraan, naglalaho at napaparam. Titingnan mo pa ba ang ganitong nilalang? Dadalhin mo pa ba siya sa hukuman? Mayroon bang malinis na magmumula, sa taong marumi at masama? Sa simula pa'y itinakda na ang kanyang araw, at bilang na rin ang kanyang mga buwan, nilagyan mo na siya ng hangganan na hindi niya kayang lampasan. Lubayan mo na siya at pabayaan, nang makatikim naman kahit kaunting kaginhawahan. “Kahoy na pinutol ay may pag-asa, muli itong tutubo at magsasanga. Kahit pa ang ugat nito ay matanda na, at mamatay ang puno sa kinatatamnan niya, ngunit ito'y nag-uusbong kapag diniligan, ito'y magsasanga tulad ng batang halaman. Ngunit ang tao kapag namatay, iyon na ang kanyang katapusan, pagkalagot ng kanyang hininga, saan naman kaya siya pupunta? “Tulad ng ilog na tumigil sa pag-agos, at gaya ng lawa na ang tubig ay naubos. Ngunit ang tao kapag namatay hindi na babangon hanggang ang langit ay maparam. Itago mo na sana ako sa daigdig ng mga patay, hanggang sa ang poot mo'y mapawi nang lubusan, at muli mong maalala ang aking kalagayan. Kung ang tao ay mamatay, siya kaya'y muling mabubuhay? Ngunit para sa akin, paglaya ko sa hirap ay aking hihintayin. Ikaw ay tatawag at ako'y sasagot, sa iyong nilikha, ikaw ay malulugod. Kung magkagayon, bawat hakbang ko'y iyong babantayan, di mo na tatandaan ang aking mga kasalanan. Ang mga kasalanan ko'y iyong patatawarin, lahat ng kasamaan ko'y iyong papawiin. “Darating ang araw na guguho ang kabundukan, malilipat ng lugar mga batong naglalakihan. Sa buhos ng tubig, ang bato ay naaagnas, ang lupang matigas sa baha ay natitibag, gayon ang pag-asa ng tao, kapag iyong winasak. Nilulupig mo ang tao at tuluyang naglalaho, sa sandali ng kamatayan nagbabago ang kanyang anyo. Anak man niya'y parangalan, hindi na niya malalaman, hindi na rin mababatid kung bigyan silang kahihiyan. Ang kanya lamang nadarama ay sakit ng sariling katawan, ang tanging iniisip ay ang sariling kalungkutan.” Ang sagot ni Elifaz na taga-Teman, “Mga salita mo'y pawang kahangalan, ang sinasabi mo ay parang hangin lang. Ang sinasabi mo'y salita ng isang hangal, di ka maililigtas ng salitang walang saysay. Kung ikaw ang masusunod, wala nang matatakot sa Diyos, at nais mong hadlangan ang sa kanya'y dumudulog. Kasamaan mo'y nahahalata sa iyong mga salita, nais mo pang magtago sa mga salitang may daya. Kaya nga ang humahatol sa iyo ay hindi ako, salita mong binibigkas ang humatol sa iyo. “Akala mo ba'y ikaw ang unang taong isinilang? Nauna ka pa ba sa mga kabundukan? Naroon ka ba nang sabihin ng Diyos ang kanyang plano, o sa palagay mo'y ikaw lang ang may talino? Ano ba ang alam mo na di namin nalalaman? Lahat ng naiintindihan mo'y amin ding nauunawaan. Ang mga may uban sa buhok ay aming kasama, mga taong matatanda pa sa iyong ama. “Inaaliw ka ng Diyos ngunit ayaw mong pansinin, ang banayad naming payo na sa puso nanggagaling. Bakit nagmamatigas pa, ipinipilit ang sarili? Mga mata'y nanlilisik, kapag tinitingnan kami. Bakit ba ang galit mo'y sa Diyos ibinubunton at sa kanya iniuukol ang salitang walang hinahon? “Sino ba ang walang sala, at malinis na lubos? Sinong isinilang na matuwid sa harap ng Diyos? Kung doon sa mga anghel, tiwala ng Diyos ay di lubusan, kahit silang nasa langit ay mayroon ding pagkukulang. Gaano pa kaya ang taong nasanay sa kasamaan, laging uhaw sa masama at hindi tama. “Makinig ka at sa iyo'y aking sasabihin, ang lahat ng nakita ko at naabot ng paningin. Mga taong matatalino ang sa akin ay nagturo, mga katotohanang inilahad ng kanilang mga ninuno. Ang lupain ay sa kanila lamang ibinigay at walang dayuhan na sa kanila'y nakipanirahan. “Ang taong mapang-api at puno ng kasamaan, laging nasa ligalig habang siya'y nabubuhay. Lagi siyang makakarinig nakakatakot na tinig, papasukin siya ng tulisan kung kailan siya'y tahimik. Hindi siya makakatakas sa lagim ng kamatayan pagkat mayroong tabak na sa kanya'y nag-aabang. Mga buwitre'y naghihintay upang kainin ang kanyang bangkay, alam niyang madilim ang kanyang kinabukasan. Takot ang naghahari sa buo niyang katauhan, parang laging hinahabol ng haring makapangyarihan. “Ganito ang sasapitin ng taong nagyayabang at ng humahamon sa Diyos na Makapangyarihan. Siya ay nanakop ng maraming bayan, mga bahay na nilisan ay kanyang kinamkam, ngunit mga iyon ay mawawasak pagdating ng digmaan. Ang kayamanan niya ay hindi magtatagal, maging ang buhay niya'y madali ring papanaw. Sa gitna ng dilim siya'y makukubkob, siya'y matutulad sa punongkahoy na nasunog, na ang bulaklak ay tinatangay ng hangin. Dahil nagtiwala siya sa kahangalan, kahangalan din ang kanyang kabayaran. Maaga niyang tatanggapin ang kanyang kabayaran, tulad ng sangang nalanta, di na muling mananariwa. Makakatulad niya'y ubas na kahit hilaw na bunga'y nalalagas, at tulad ng olibo na ang mga bulaklak ay nalalaglag. Walang matitira sa lahi ng masama, masusunog ang bahay na sa suhol nagmula. Ganyan ang mga taong nagbabalak ng kasamaan, pandaraya ang palaging nasa puso at isipan.” Sumagot naman si Job, “Narinig ko nang lahat ang inyong mga sinabi, kayong lahat ay mang-aaliw na walang silbi. Wala na bang katapusan, mga salita mong walang laman? Bakit ka ba nagsasalita ng ganyan? “Kaya ko ring sabihin ang lahat ng sinabi ninyo, kapag kayo ang dumaranas ng hirap kong ito. Matatambakan ko rin kayo ng salita at payo, may kibit na ng balikat, may iling pa ng ulo. Ngunit ang sasabihin ko'y pampalakas ng inyong loob, mga salitang bibitiwa'y pampabawas ng kirot. “Kung ako ay magsalita, hirap ko'y di maaalis; kung magsawalang-kibo nama'y naroon pa rin ang sakit. Pinanlupaypay ng Diyos ang abâ kong katauhan at nilipol pa niya pati aking sambahayan. Nakadikit na sa buto at kulubot ang aking balat, larawan ng mga hirap na aking dinaranas; ito raw ay katunayan ng aking kasalanan. Dahil sa matinding poot niya sa akin halos ako'y kanyang pagputul-putulin; mga mata'y nanlilisik, may poot kung tumingin. Nilalait ako ng mga tao, pinapaligiran at sinasampal ako. Ipinaubaya na ako ng Diyos sa masasama, pinabayaan sa mga taong walang awa. Sa aking pananahimik, ako'y kanyang ginambala, sinakal, dinurog at pinuntirya ng pana. Tinatamaan ako ng pana sa kabi-kabila, sugat ko'y malubha ngunit wala pa rin siyang awa. Paulit-ulit niya akong sinusugatan, para siyang mandirigmang galit na galit sa kalaban. “Ako'y nakasuot ng damit-panluksa, nakaupo sa alikabok, katawa'y nanghihina. Sa kaiiyak ko'y pula na ang aking mukha, mata ko'y wala nang makita pagkat namamaga. Wala naman akong ginagawang masama, panalangin ko sa Diyos ay tapat at walang daya. “Huwag mong tabunan, O Lupa, ang aking kaapihan, huwag ipagkait sa akin ang hangad kong katarungan! Ang aking testigo ay nasa langit, siyang tatayo't magtatanggol ng aking panig. Mga kaibigan ko ang sa aki'y humahamak, kaya sa Diyos na lamang ako ay iiyak. “May magtanggol sana sa akin sa harap ng Maykapal, tulad ng pagpanig ng isang tao sa kanyang kaibigan. Pagkat ilang taon na lang itong aking itatagal, ako'y papunta na sa huli kong hantungan. Gulung-gulo ang aking isipan, bilang na ang aking mga araw, hinihintay na ako ng libingan. Pinagmamasdan ko ang sa akin ay lumalait, mga salita nila'y lubhang masasakit. O Diyos, ako'y tapat, kaya sa aki'y magtiwala, ikaw lang ang makapagpapatunay sa aking mga salita. Isip nila'y sinarhan mo upang di makaunawa; laban sa akin, huwag nawa silang magtagumpay. Siyang dahil sa salapi ay nagtataksil sa mga kaibigan, kanyang mga anak ang siyang mawawalan. Ako ngayo'y pinag-uusapan ng buong bayan, pinupuntahan pa upang maduraan lamang. Halos ako'y mabulag dahil sa kalungkutan, kasingnipis ng anino ang buo kong katawan. Mga nagsasabing sila'y tapat sa akin ay nagulat, ang mga walang sala, sa aki'y nanunumbat. Ngunit ang mga matuwid ay lalong naniniwala, at lalo pang nahikayat na sila nga ang tama. Subalit silang lahat, humarap man sa akin, wala akong maituturo na may talinong angkin. “Tapos na ang mga araw ko, bigo ang aking mga plano, ang aking pag-asa'y tuluyan nang naglaho. Sabi nila, ang gabi ay araw na rin, malapit na raw ang liwanag, ngunit alam kong ako'y nasa dilim pa rin. Ang tanging pag-asa ko'y ang daigdig ng mga patay, at sa kadiliman doon ako mahihimlay. Ang hukay ay tatawagin kong ama, at ang mga uod ay ituturing kong mga kapatid at ina. Nasaan nga ang aking pag-asa, sino ang dito ay makakakita? Madadala ko ba ito sa daigdig ng mga patay, sasama ba ito sa alabok na hantungan?” Sumagot si Bildad na Suhita, “Kay rami naman ng iyong sinasabi, tumahimik ka muna at pakinggan kami. Kami ba'y ano sa iyong palagay? Mga bakang hangal at walang nalalaman? Sarili mo lang ang iyong sinasaktan, dahil sa galit na iyong tinataglay. Pababayaan ba ang daigdig dahil lamang sa iyo, at aalisin ang mga bundok sa kanilang puwesto? “Ang ilaw ng masama'y tiyak na papatayin, ang kanyang apoy ay di na papaningasin. Ang ilaw sa kanyang tahana'y pagdidilimin. Ang matatag niyang hakbang ngayon ay nabubuwal, pagbagsak niya'y nalalapit sa kanya ring kasamaan. Di niya namamalayang ang kanyang mga paa ay sa bitag pupunta, kaya naman nasisilo itong kanyang mga paa. Isang silo ang sa kanya'y iniumang, may bitag na nakahanda sa kanyang daraanan. “Saanman siya bumaling, takot ay naghihintay; sinusundan siya nito sa bawat hakbang. Mayaman siya noon ngunit ngayo'y hikahos, naghihintay sa kanya'y hirap at pagdarahop. Nakamamatay na sakit, sa katawan niya'y kumakalat, mga bisig at paa niya'y unti-unting naaagnas. Dati siya'y panatag sa kanyang tahanan; ngayo'y kinakaladkad patungo kay Kamatayan. May iba nang nakatira doon sa dati niyang tahanan, matapos malagyan ng gamot at malinis nang lubusan. Ang kanyang mga ugat at mga sanga, lahat ay natuyo at pawang nalanta. Lahat niyang alaala ay napawi nang lubusan; nakalimutan nang lahat pati kanyang pangalan. Mula sa liwanag, inihagis siya sa karimlan, at pinalayas siya sa daigdig ng mga buháy. Isang anak man o apo ay wala siyang naiwan, ni isa'y walang natira sa kanyang sambahayan. Mula silangan hanggang kanluran, nanginginig at kinikilabutan dahil sa kanyang matinding kasawian. Ang masasamang tao'y ganyan ang kapalaran, mga di kumikilala sa Diyos ganyan ang kahihinatnan.” Ang sagot ni Job, “Hanggang kailan ninyo ako pahihirapan sa mga salitang inyong binibitawan? Maraming ulit na ninyo akong nilait, di na kayo nahiya na sa aki'y magmalabis. Kung nakagawa man ako ng kasalanan; walang ibang mananagot kundi ako lamang. Akala ninyo kayo'y mas mabuti kaysa akin, pinagbabatayan ninyo'y ang hirap kong pasanin. Dapat ninyong malaman, ang Diyos ang may gawa nito; ang bitag niyang iniumang ay nasa paligid ko. Tumututol ako sa ganitong karahasan, ngunit walang nakikinig sa sigaw kong katarungan. Hinarangan ng Diyos ang aking daraanan; binalot niya ng dilim ang landas kong lalakaran. Inalis niyang lahat ang aking kayamanan, sinira pa niya ang aking karangalan. Saanman ako bumaling, ako'y kanyang pinapalo, parang punong binunot, pag-asa ko'y natutuyo. Matindi ang galit ng Diyos sa akin; isang kaaway ang sa aki'y kanyang turing. Ang hukbo niya ay tinipon at ako ay kinubkob, ang aking tahanan ay kanilang sinakop. “Ang mga kapatid ko'y pinalayo niya sa akin; mga dating kakilala, hindi na ako pinapansin. Pati mga kamag-anak ko'y nag-alisan; naiwan akong walang kaibigan. Dati kong mga panauhi'y di na ako kilala; para na akong dayuhan sa aking mga alila. Ang utos ko sa kanila'y hindi na rin pinapansin, makiusap man ako'y ayaw pa rin akong sundin. Pati na ang asawa ko'y nandidiri sa akin; mga kapatid ko sa laman, ayaw akong makapiling. Ako'y kinukutya ng mga batang paslit; kapag ako'y nakita, pinagtatawanan at nilalait. Mga kaibigan kong matalik sa akin ay nasusuklam, ang mga minamahal ko, ako'y nilalayuan. Buto't balat na lamang ang natitira sa akin, ang pag-asa kong mabuhay, maliit na at katiting. Mga kaibigan ko, sa akin sana'y mahabag; kamay na ng Diyos ang sa aki'y humahampas. Bakit n'yo ako inuusig tulad ng ginagawa ng Diyos? Di pa ba kayo masaya sa kahirapan kong lubos? “Ang mga salita ko sana'y maisulat at maitala sa isang buong aklat! At maiukit sa bato itong mga sinabi ko upang habang panaho'y mabasa ng mga tao. Ngunit alam kong di natutulog ang aking Tagapagligtas, na magtatanggol sa akin pagdating ng wakas. Pagkatapos na maubos itong aking buong balat, makikita ko ang Diyos kahit laman ay maagnas. Siya'y aking mamamasdan, at mukhaang makikita; siya'y makikilala nitong aking mga mata. Ang puso ko'y nananabik na masdan ko na siya. “Ako ay patuloy ninyong uusigin, pagkat iniisip ninyong ang sala nga ay sa akin. Kayo sana ay mag-ingat sa talim nitong tabak, na siyang maghahatid ng parusa sa kasalanan, upang inyong malamang may hahatol nga sa wakas.” Sinabi ni Zofar na Naamita, “Ang iyong mga sinabi ay hindi ko na nagugustuhan kaya hindi ko na mapigilan ang pagsali sa usapan. Ang iyong mga sinabi ay puro panlalait, kaya't tugon ko ngayo'y aking ipababatid. “Hindi mo ba nalalaman na buhat pa sa simula, nang ang tao ay ilagay sa ibabaw ng lupa, ang pagmamataas ng masama ay di nagtatagal, umabot man sa langit ang kanyang katanyagan, at ang kanyang ulo, sa ulap ay umabot man. Ngunit tulad ng alabok, ganap siyang mapaparam; ang hantungan niya'y hindi alam ng sinuman. Siya'y parang panaginip na mawawala, parang pangitain sa gabi, di na muling makikita. Di na siya muli pang makikita ng mga dating kaibigan at kapamilya. Makikisama sa mahihirap ang kanyang mga anak; kayamanang kinamkam, mapapabalik lahat. Ang lakas ng kabataan na dati niyang taglay, kasama niyang mahihimlay sa alabok na hantungan. “Ang lasa ng kasamaan para sa kanya ay matamis, ninanamnam pa sa dila, samantalang nasa bibig. Itong kanyang kasamaan ay hindi niya maiwan; kahit gusto man niyang iluwa ay di niya magagawa. Ngunit nang ito'y lunukin, dumaan sa lalamunan, ubod pala ng pait, lason sa katawan. Kayamanang kinamkam niya, kanya ngayong isusuka; palalabasin nga ng Diyos mula sa kanyang bituka. Ang nilulunok ng taong masama ay tulad ng kamandag, parang tuklaw ng isang ahas na sa kanya ay papatay. Ang mga ilog at batis na siyang dinadaluyan ng pulot at gatas ay di na niya mamamasdan. Di rin niya papakinabangan lahat ng pinaghirapan; di niya malalasap ang naipong kayamanan, sapagkat ang mahihirap ay inapi niya, kinamkam ang mga bahay na itinayo ng iba. “Kanyang pagkagahaman ay walang katapusan, walang nakakaligtas sa kanyang kasakiman. Kapag siya'y kumakain, wala siyang itinitira, ngunit ang kasaganaan niya ngayo'y magwawakas na. Sa kanyang kasaganaan, daranas ng kagipitan at siya'y daratnan ng patung-patong na kahirapan. Kumain na siya't magpakabusog! Matinding galit ng Diyos sa kanya'y ibubuhos. Makaligtas man siya sa tabak na bakal, palasong tanso naman ang sa kanya'y magbubuwal. Kapag ito'y itinudla sa apdo niya ay tutusok; kung makita niya ito, manginginig siya sa takot. Matinding kadiliman ang sa kanya'y naghihintay; masusunog siya sa apoy na hindi namamatay. Wala ring matitira sa kanyang pamilya. Ipahahayag ng langit ang kasamaan ng taong ito, laban sa kanya, ang lupa'y magpapatotoo. Ang lahat ng kayamanan niya ay sisirain, sa galit ng Diyos ito ay tatangayin. “Ganito ang sasapitin ng lahat ng masasama, kapasyahan ng Diyos, sa kanila'y itinakda.” Ang sagot ni Job, “Pakinggan ninyong mabuti itong aking sasabihin; ituturing ko nang ito'y pag-aliw sa akin. Ako muna'y inyong pagsalitain, at pagkatapos nito, saka na ninyo laitin. “Di laban sa tao itong aking hinanakit, may sapat akong dahilan, kung bakit hindi makatiis. Tingnan ninyo ang hitsura ko, hindi pa ba ito sapat upang tumahimik na kayo at walang salitang mabigkas? Tuwing iisipin ko itong sinapit ko, ako'y nanginginig at nanlulumo. Bakit kaya ang masama'y hinahayaan pang mabuhay, tumatanda pa at nagtatagumpay? Mayroon silang mga anak at mga apo, naabutan pa nila ang paglaki ng mga ito. Hindi pinipinsala ang kanilang mga tahanan; parusa ng Diyos ay di nila nararanasan. Ang pagdami ng kanilang mga hayop ay mabilis, ang inahin nilang baka'y nasa ayos kung magbuntis. Ang kanilang mga anak ay naghahabulan, parang tupang naglalaro at mayroon pang sayawan. Umaawit sa saliw ng tamburin at lira, umiindak, nagsasayaw sa tunog ng mga plauta. Ang buong buhay nila'y puspos ng kasaganaan; at mapayapa ang kanilang pagharap sa kamatayan. “Sinasabi nila sa Diyos, ‘Huwag mo kaming pakialaman. Ayaw naming alamin ang iyong kalooban! Sino ba ang Makapangyarihang Diyos upang sambahin namin? At ano bang mapapala kung sa kanya'y mananalangin?’ Ang akala nila, sa sariling lakas galing ang tagumpay, ngunit di ako sang-ayon sa kanilang palagay. “Ilawan ba ng masama'y pinatay nang minsan? Sila ba ay dumanas ng matinding kahirapan, at ang parusa ng Diyos, sa kanila ba'y ipinataw? Itinulad ba sa dayaming nililipad nitong hangin o ipang walang laman, tinatangay sa papawirin? “Sinasabi ninyong ang anak ay pinaparusahan dahil sa sala ng kanyang magulang. Parusahan sana ng Diyos ang mismong may kasalanan! Sa gayo'y mararanasan nila ang kahirapang sasapitin; sa parusa ng Makapangyarihang Diyos, sila ang pagdanasin. Kapag ang isang tao'y binawian ng buhay, ano pang pakialam niya sa pamilyang naiwan? Sinong makakapagturo ng dapat gawin ng Diyos, na siyang humahatol sa buong sansinukob? “May taong namamatay sa gitna ng kasaganaan, panatag ang katayuan, maginhawa ang kabuhayan. Katawan niya ay malusog, at malalakas ang tuhod. Mayroon namang namamatay sa kahirapan, ni hindi nakalasap kahit kaunting kaligayahan. Ngunit pareho silang sa alabok nahihimlay, at kapwa inuuod ang kanilang katawan. “Alam ko kung ano ang binabalak ninyong gawin at ang masamang iniisip ninyo laban sa akin. Tiyak na itatanong ninyo kung nasaan ang tahanan ng taong namuhay sa kasamaan. “Hindi ba ninyo naitatanong sa mga manlalakbay, mga ulat nila'y hindi ba ninyo pinaniniwalaan? Sa panahon ng kahirapan at kasawiang-palad, di ba't ang masama ay laging naliligtas? Sa kanyang kasamaa'y walang nagpapamukha, walang naniningil sa masama niyang gawa. Kapag siya ay namatay at inihatid na sa hukay, maraming nagbabantay sa kanyang libingan. Napakaraming sa kanya'y maghahatid sa libing, pati lupang hihigan niya, sa kanya ay malambing. Ngunit pang-aaliw ninyo'y walang kabuluhan, pagkat lahat ng sagot ninyo'y pawang kasinungalingan!” Ang sagot ni Elifaz na taga-Teman: “Ang tao ba'y may maitutulong sa Diyos na Manlilikha, kahit na siya'y marunong o kaya ay dakila? May pakinabang ba ang Makapangyarihang Diyos kung ikaw ay matuwid, may mapapala ba siya kung ikaw man ay malinis? Dahil ba sa takot mo sa kanya, kaya ka niya sinasaway, pinagsasabihan at dinadala sa hukuman? Hindi! Ito'y dahil sa napakalaki ng iyong kasalanan, at sa mga ginagawa mong mga kasamaan. Mga kapatid mo'y iyong pinaghuhubad, upang sa utang nila sa iyo sila'y makabayad. Ang mga nauuhaw ay hindi mo pinainom; hindi mo pinakain ang mga nagugutom. Lakas mo ang ginagamit kaya lupa'y nakakamkam, at ibinibigay ito sa iyong kinalulugdan. Hindi mo na nga tinulungan ang mga biyuda, inaapi mo pa ang mga ulila. Kaya napapaligiran ka ngayon ng mga bitag, at bigla kang binalot ng mga sindak. Paligid mo'y nagdidilim kaya di ka makakita, maging tubig nitong baha ay natatabunan ka. “Di ba't ang Diyos ay nasa mataas na kalangitan, at ang mga bituin sa itaas ay kanyang tinutunghayan? Ngunit ang sabi mo, ‘Ang Diyos ay walang nalalaman, at hindi tayo mahahatulan, pagkat sa ulap siya'y natatakpan.’ Akala mo'y dahil sa ulap ay di na siya makakakita, at sa ibabaw ng himpapawid, ay palakad-lakad lang siya. “Talaga bang nais mong lakaran ang dating daan, landas na tinahak ng mga nasanay sa kasamaan? Kahit wala pa sa panahon sila'y tinatangay na ng baha, sapagkat ang kanilang pundasyon ay lubos na nagiba. Sinabi nila sa Diyos na sila'y kanyang layuan, at wala naman daw magagawa sa kanila ang Diyos na Makapangyarihan. Sa kabila nito, sila pa rin ay pinagpala; di ko talaga maunawaan ang pag-iisip ng masama. Natutuwa ang matuwid, ang mabuti'y nagagalak kapag nakita nilang ang masama'y napapahamak. Sabi nila, ‘Ang mga kaaway nati'y nalugmok, at ang mga ari-arian nila ay natupok.’ “Sumang-ayon ka sa Diyos, makipagkasundo ka sa kanya, ang buhay mo'y gaganda at magiging maginhawa. Makinig ka sa kanyang itinuturo, mga sinasabi niya'y itanim mo sa iyong puso. Manumbalik ka sa Makapangyarihan, ikaw ay magpakumbabá, at alisin mo sa iyong tahanan lahat ng gawaing masama. Ang lahat mong kayamanan ay itapon mo sa alabok, at ang mamahaling ginto ay ihagis mo na sa ilog. Ang Diyos na Makapangyarihan ang ituring mong yaman, na siyang ginto't pilak na iyong papahalagahan. Sa Makapangyarihang Diyos ka palaging magtiwala, at ang Maykapal ang pagkukunan mo ng tuwa. Papakinggan niya ang iyong panalangin, kaya't ang mga panata mo ay iyong tuparin. Lagi kang magtatagumpay sa iyong mga balak, at ang landas mo ay magliliwanag. Ang mga palalo'y ibinabagsak nga ng Diyos, ngunit inililigtas ang mapagpakumbabang-loob. Ililigtas ka niya kung wala kang kasalanan, at kung ang ginagawa mo ay nasa katuwiran.” Ito naman ang sagot ni Job: “Hanggang ngayon ay masama pa itong aking loob, bagama't ako'y nananangis, pinaparusahan pa rin ng Diyos. Kung alam ko lamang kung saan siya matatagpuan, pupuntahan ko siya sa kanyang kinaroroonan. Ihaharap ko sa kanya ang aking kalagayan at ilalahad kong lahat ang aking katuwiran. Gusto kong malaman ang isasagot niya sa akin; nais kong maunawaan ang kanyang sasabihin. Gagamitin kaya sa akin ang lahat niyang kapangyarihan? Hindi! Sa halip, hinaing ko'y kanyang papakinggan. Sapagkat ako'y taong matuwid na haharap sa kanya, kanyang ipahahayag na ako'y walang sala. “Sa dakong silangan, hindi ko siya natagpuan; hindi ko rin siya nakita sa gawing kanluran. Di ko rin siya nakita sa dakong hilaga, at sa bandang timog, ni bakas ay wala. Ngunit alam ng Diyos ang aking bawat hakbang; kapag sinubok niya, lalabas ang kadalisayan. Pagkat landas niya'y aking nilakaran, hindi ako lumihis sa ibang daanan. Ako'y hindi lumalabag sa kanyang kautusan, at ang kanyang mga salita ay aking iniingatan. “Hindi siya nagbabago at di kayang salungatin, walang makakapigil sa nais niyang gawin. Isasakatuparan niya ang plano niya sa akin, ang marami niyang balak ay kanyang gagawin. Kaya ako'y natatakot na sa kanya'y humarap; isipin ko lamang ito, ako ay nasisindak. Pinanghihina ng Diyos ang aking kalooban, tinatakot ako ng Makapangyarihan. Sapagkat kadiliman ang nasa aking palibot, dilim nitong taglay sa mukha ko ay bumalot. “Bakit di nagtatakda ang Makapangyarihang Diyos ng araw ng paghuhukom, upang masaksihan ng mga matuwid ang kanyang paghatol? “Binabago ng mga tao ang hangganan ng mga lupa, nagnanakaw ng mga hayop na iba ang nag-alaga. Tinatangay nila ang asno ng mga ulila, kinakamkam sa mga biyuda ang bakang isinangla. Ang mahirap ay itinataboy sa lansangan; at dahil sa takot, naghahanap ito ng taguan. “Kaya ang dukha, tulad ay asnong mailap, hinahalughog ang gubat, mapakain lang ang anak. Gumagapas sila sa bukid na hindi kanila, natirang ubas ng mga masasama pinupulot nila. Kanilang katawan ay walang saplot; sa lamig ng gabi, wala man lamang kumot. Nauulanan sila doon sa kabundukan; mga pagitan ng bato ang kanilang silungan. “Inaalipin ng masasama ang mga ulila; mga anak ng may utang, kanilang kinukuha. Hubad na pinaglalakad ang mga mahirap, labis ang gutom habang sila'y pinapagapas. Sila ang nagkakatas ng ubas at olibo, ngunit di man lamang makatikim ng alak at langis nito. Mga naghihingalo at mga sugatan, sa loob ng lunsod ay nagdadaingan, ngunit di pa rin pansin ng Diyos ang kanilang panawagan. “May mga taong nagtatakwil sa liwanag; di nila ito maunawaan, patnubay nito'y ayaw sundan. Bumabangon ang mamamatay-tao sa madaling araw, at ang kawawang dukha'y kanyang pinapaslang. Pagsapit naman ng gabi, siya ay nagnanakaw. Ang nakikiapid ay naghihintay na dumilim, nagtatakip ng mukha upang walang makapansin. Kung gabi naman sumasalakay ang mga magnanakaw; ayaw nila sa liwanag kaya't nagtatago pagsikat ng araw. Liwanag ng araw ay kanilang kinatatakutan, ngunit di sila nasisindak sa matinding kadiliman.” Sinabi ni Zofar, “Ang masamang tao'y tinatangay ng baha, sinumpa ng Diyos ang kanilang lupa; sa ubasan nila'y ni walang mangahas magsaka. Kung paanong ang yelo ay natutunaw sa tag-init, gayundin ang masama, naglalaho sa daigdig. Kahit ang kanyang ina sa kanya'y nakakalimot; parang punong nabuwal, inuuod at nabubulok. Pagkat inapi niya ang babaing di nagkaanak, at ang mga biyuda ay kanyang hinamak. Winawasak ng Diyos ang buhay ng malalakas; kapag siya ay kumilos, ang masama'y nagwawakas. Hayaan man ng Diyos na mabuhay ito nang tiwasay, sa bawat sandali, siya'y nagbabantay. Umunlad man ang masama, ngunit panandalian lamang, natutuyo ring tulad ng damo at halaman, parang bungkos ng inani na binunot sa taniman. Kasinungalingan ba ang sinasabi ko? Sinong makapagpapatunay na ito'y di totoo?” Ito naman ang sagot ni Bildad na Suhita: “Makapangyarihan ang Diyos dapat siyang igalang; naghaharing mapayapa sa buong sangkalangitan. Ang kanyang mga anghel ay hindi mabibilang, lahat ay nasisikatan ng kanyang kaliwanagan. Maaari bang maging matuwid ang tao sa paningin ng Diyos? Sa harapan ng Maykapal siya ba'y dalisay nang lubos? Para sa Diyos, ang buwan ay walang ningning, at ang mga bituin ay marumi sa kanyang tingin. Gaano pa ang tao na isa lamang hamak na uod, may halaga kaya siya sa paningin ng Diyos?” Tumugon naman si Job, “Malaking tulong ka sa akin na isang mahina! Sa palagay mo'y sumasaklolo ka sa akin na taong kawawa? Ang walang nalalaman ay iyo bang tinuruan, at ang tao bang hangal ay binigyan ng karunungan? Sino kayang makikinig sa sinasabi mo? At sino bang espiritu ang nag-udyok na sabihin ito?” Ang sagot ni Bildad, “Sa takot ay nanginginig maging ang kalaliman, ganoon din itong dagat at ang doo'y naninirahan. Ang daigdig ng mga patay, lantad sa mata ng Diyos. Sa paningin niya'y walang maikukubling lubos. Ang kalawakan sa hilaga ay kanyang inilagay, ibinitin niya ang daigdig sa gitna ng kawalan. Ang tubig ay iniipon sa balumbon ng mga ulap, at pinipigil niya ito kahit na anong bigat. Ang buwang kabilugan, sa ulap ay kanyang tinatakpan. Pinaghiwalay niya ang liwanag sa kadiliman, ng bilog na guhit sa ibabaw ng karagatan. Mga haligi nitong langit ay nanginginig sa takot, nauuga, nayayanig kapag sinaway ng Diyos. Sa kanyang kapangyarihan, pinatahimik niya ang dagat; sa kanyang karunungan, pinuksa niya ang dambuhalang si Rahab. Sa pamamagitan ng hininga niya, ang langit ay umaaliwalas, pinuksa ng kamay niya ang dambuhalang tumatakas. Maliit na bahagi lang ito ng kanyang kapangyarihan, na hindi pa rin natin lubos na maunawaan. Sino kaya ang tatarok sa tunay niyang kadakilaan?” Muling tumugon si Job, “Isinusumpa ko sa Diyos na sa aki'y nagkait ng katarungan, sa Makapangyarihang Diyos na nagdulot sa akin ng kapaitan. Hindi ko matatanggap na kayo ang may katuwiran, igigiit hanggang kamatayan na ako'y walang kasalanan. Hindi ko isusuko ang aking katuwiran, budhi ko'y malinis, di ako sinusumbatan. “Parusahan nawa ang lahat ng sa aki'y lumalapastangan; ituring nawa silang lahat na makasalanan. Ang makasalana'y mayroon pa bang pag-asa, kapag binawi na ng Diyos ang buhay na taglay niya? Pagsapit ng kaguluhan, papakinggan kaya ng Diyos ang kanyang panawagan? Ito kaya ay mananalig sa Makapangyarihan at sa lahat ng araw, Diyos ay tatawagan. “Ang kalooban ng Diyos, sa inyo'y sasabihin at aking ihahayag ang nais niyang gawin. Ang lahat ng ito'y inyo namang nalalaman, subalit ang salita ninyo'y pawang walang kabuluhan.” Ang sagot ni Zofar: “Sa masama ay ganito ang inihanda ng Diyos, sa mararahas ay ito ang parusang ibubuhos: Magkakaanak sila ng marami ngunit mamamatay sa digmaan, ang kanilang mga anak, gutom ang mararanasan. Ang matitirang buháy, sa salot mamamatay, ngunit kanilang mga biyuda, hindi sila tatangisan. Kahit siya'y makaipon ng malaking kayamanan o kaya'y magkaroon ng maraming kasuotan, isa man sa mga iyon ay di niya papakinabangan, mapupunta sa matuwid ang lahat niyang kayamanan. Sapot lamang ng gagamba ang katulad ng kanyang bahay, parang kubo lamang ng mga aliping bantay. Matutulog ang mayaman ngunit hanggang doon na lang; pagmulat ng kanyang mata, ari-arian niya ay wala na. Mga kasawian ay parang bahang darating, tatangayin ng ipu-ipo pagsapit ng dilim. Matinding hanging silangan, sa kanya ay tatangay, tuluyan siyang mawawala at di na makikita. Patuloy siyang babayuhin nang walang pakundangan, ang kapangyarihan nito'y sisikapin niyang matakasan. Sa bandang huli, hangin ay magagalak pagkat itong masama, tuluyan ng bumagsak. “May lugar kung saan ang pilak ay mahuhukay, at may pook kung saan ang ginto'y dinadalisay. Nahuhukay ng tao ang bakal mula sa lupa, at nilulusaw ang tanso mula sa batong nakuha. Sinasaliksik ng tao ang pinakamalalim na kadiliman, ginagalugad pati ang kailaliman upang humukay ng batong yaman. Humuhukay nang malalim sa ilang at kabundukan na hindi pa naaabot ng sinumang manlalakbay, nagmimina sila roon sa gitna ng kalungkutan. Sa lupa tumutubo ang halamang kinakain, ngunit parang tinupok ng apoy ang nasa ilalim. Nasa mga bato ang mga safiro, nasa alabok naman ang gintong puro. Ang daang iyo'y di abot-tanaw ng lawin, kahit mga buwitre'y hindi ito napapansin. Hindi pa ito nadadaanan ng hayop na mababangis, hindi pa nagagawi rito ang leong mabagsik. “Hinuhukay ng mga tao ang batong matitigas, pati paanan ng mga bundok ay kanilang tinitibag. Sa malalaking bato'y gumagawa sila ng lagusan, mamahaling hiyas ay kanilang natutuklasan. Pinagmumulan ng ilog ay kanilang tinutunton, at dinadala sa liwanag anumang nakatago roon. Ngunit saan kaya matatagpuan itong karunungan? At ang pang-unawa, saan kaya matututunan? “Hindi alam ng tao ang daan tungo sa karunungan; wala iyon sa lupain ng mga nabubuhay. Ang sabi ng kalaliman, ‘Wala sa akin ang kaalaman.’ Ganito rin ang sinasabi ng buong karagatan. Hindi ito mabibili kahit ginto ang ibayad, hindi ito makukuha palitan man ng pilak. Ang pinakamahal na ginto at alahas, sa halaga ng karununga'y hindi maitutumbas. Mahigit pa kaysa ginto ang timbang ng karunungan, mas mahal kaysa sa alahas o sa gintong kayamanan. Mas mahalaga ang karunungan kaysa magandang koral, higit itong mamahalin kaysa perlas o sa kristal. Kahit na ang topaz, dito'y di maipapantay, at hindi rin mahihigitan kahit ng gintong dalisay. “Kung gayo'y saan nga nagmumula ang karunungan? At ang pang-unawa, saan kaya matututunan? Hindi ito nakikita ng sinumang nilalang, mga ibong lumilipad, hindi rin ito natatanaw. Kahit ang Pagkawasak at ang Kamatayan ay nagsasabing ang narinig nila'y mga sabi-sabi lamang. “Ngunit tanging ang Diyos lang ang siyang nakakaalam kung saan naroroon ang tunay na karunungan. Pagkat nakikita niya ang bawat sulok ng daigdig; natatanaw niyang lahat ang nasa ilalim ng langit. Ang hangin ay kanyang binigyan ng bigat, ang karagatan ay itinakda niya ang sukat. Ipinasya niya kung saan papatak ang ulan, at pati ang kidlat, binigyan niya ng daraanan. Dito niya nakita at sinubok ang karunungan, kanyang itinatag at binigyang kahalagahan. “At sinabi niya sa tao, ‘Ang pagsunod at paggalang sa Panginoon ay karunungan; at ang paglayo sa kasamaan ay siyang tunay na kaalaman.’” Muling nagsalita si Job, “Kung maibabalik ko lang ang mga unang araw noong ang Diyos sa akin ay palagi pang nagbabantay; Nang ang liwanag niya sa akin ay gumagabay, sa paglakad ko sa dilim, siya ang aking tanglaw. Noon, ako ay sagana, maluwag ang pamumuhay, kaibigang matalik ang Diyos na buháy, at sa buong pamilya ko, siya ang patnubay. Noon ay malapit ang Makapangyarihang Diyos sa akin, at ang mga anak ko'y lagi sa aking piling. Masagana ang gatas mula sa aking kawan, olibong nagbibigay ng langis, tumutubo kahit sa batuhan. Kapag pumupunta ako noon sa mga kapulungan, at nauupong kasama ng mga pinuno ng bayan, kapag ako'y natanaw, mga kabataa'y nagbibigay-daan, mga matatanda nama'y tumatayo at nagbibigay-galang. “Kapag ako'y nakita at kanilang narinig, sila'y sumasang-ayon at sa aki'y pumapanig. Sapagkat tinulungan ko ang dukha sa kanilang pangangailangan, dinamayan ko ang mga ulilang wala nang mapuntahan. Pinupuri ako ng mga dumanas ng kasawian, natulungang mga biyuda sa tuwa'y nag-aawitan. At ang lagi kong adhikain, katarungan at katuwiran ay siyang pairalin. Para sa mga bulag, ako'y nagsilbing mata; at sa mga pilay, ako ang kanilang paa. Nagsilbi akong ama ng mga mahihirap, kahit di ko kilala ay aking nililingap. Ang lakas ng masasama, aking sinisira ang kanilang mga bihag, sinikap kong mapalaya. “Umaasa ako noong hahaba ang aking buhay, at sa aking tahanan payapang mamamatay. Tulad ko noo'y punongkahoy na sa tubig ay sagana, at ang mga sanga, sa hamog laging basa. Pinupuri ako ng halos lahat, at di nauubos ang aking lakas. Sa mga payo ko sila'y nananabik, sa sinasabi ko sila'y nakikinig. Ang sinabi ko'y di na dapat ulitin, pagkat sa isip agad itong naitatanim. Sa mga sasabihin ko'y lagi silang naghihintay, salita ko'y parang ulan sa panahon ng tag-araw. At ang aking mga ngiti sa kanila'y pampalakas-loob, sa saya ng aking mukha silang lahat ay nalulugod. Para akong hari na sa hukbo'y nag-uutos, at nagbibigay ng aliw kapag sila'y nalulungkot. “Ngayon ako'y kinukutya na ng mga kabataan, na mga anak ng mga taong di ko pinayagan na sumama sa mga asong nagbantay sa aking kawan. Mga bisig nila ay hindi ko inasahan, walang gawaing kanilang nakayanan. Sa gitna ng gutom at kasalatan, kanilang kinakain mga tuyong ugat sa ilang. Nangunguha sila ng usbong ng halaman sa dawagan, at ugat ng mga tambo ang panlaman nila sa tiyan. Ang mga taong ito'y itinakwil ng lipunan, at ang turing sa kanila'y mistulang mga tulisan. Mga kuweba't mga kanal ang kanilang tinitirhan, ang iba nama'y sa lungga, at ang iba'y sa batuhan. Ungol nila'y naririnig mula roon sa dawagan, sila'y nagyayakap-yakap sa gitna ng katinikan. Sila'y parang mga yagit na walang kabuluhan pagkat mula sa lupain, sila'y ipinagtatabuyan. “Ngayo'y ako naman ang kanilang pinagtatawanan, siyang laging binibiro at pinag-uusapan. Kinukutya nila ako at kanilang iniiwasan, at di nag-aatubiling ako'y kanilang duraan. Pagkat inalis ng Diyos ang lakas ko at kakayahan, kaya naman ako'y kanilang nilalapastangan. Sinalakay nila ako nang walang pakundangan, hinahabol nila ako upang tapusin nang tuluyan. Pilit akong sinusukol upang ako'y pahirapan, sa ginagawa nila'y wala man lang humadlang. Isang pader na may bitak ang katulad ng aking buhay, sinalakay nila ako at tinapak-tapakan. Ang buo kong pagkatao ay nilukuban ng takot, dangal ko'y naglaho parang bulang pumutok, at ang aking kasaganaan, parang ulap na sumabog. ‘Halos mapatid na ang aking hininga, hindi na maibsan ang hirap kong dala. Sa buong magdamag, mga buto ko ay masakit, ginhawa'y di madama kahit isang saglit. Hinablot ng Diyos ang aking kasuotan, at ako'y kaawa-awang kanyang kinwelyuhan. Pagkatapos noon, ako'y kanyang inihagis lumubog sa putik, parang isang yagit. “Di mo pinakinggan, O Diyos, ang aking pagdaing, aking panalangin, hindi mo man lang pinansin. Bakit ako'y iyong pinagmamalupitan, at pinag-uusig ng iyong buong kapangyarihan? Bakit hinayaang ang buhay kong angkin, bayuhin ng bagyo at malalakas na hangin? Alam kong dadalhin mo ako sa kamatayan, na huling hantungan ng bawat nilalang. Taong bumagsak, bakit mo pa pinahihirapan, wala naman siyang magagawa kundi magmakaawa lamang? Di ba ako ay dumamay sa mga nangangailangan, at nagmalasakit din sa mahirap ang kabuhayan? Tuwa at liwanag ang aking inaasahan; subalit ang dumating ay hirap at kadiliman. Kahirapan at sakit ang kayakap ko sa buhay, at siyang nakakasama sa bawat araw. Ang landas ko ay madilim at walang kapanatagan; ako'y nagmamakaawa sa lahat kong kababayan. Ang tinig ko'y walang sigla at namamalat, parang boses ng uwak at ng asong gubat. Ang balat ko'y nangingitim at natutuklap, sagad hanggang buto itong aking lagnat. Ang dati kong naririnig ay masasayang tugtugan, ngayo'y tunog ng pagluluksa at pag-iiyakan. “Ako'y taimtim na nangako sa aking sarili, na di titingin nang may pagnanasa sa ibang babae. Anong ginagawa ng Makapangyarihang Diyos sa atin? Anong gantimpala niya sa ating gawain? Ibinibigay niya'y kapahamakan at pagkasira, sa mga taong gumagawa ng mali at masama. Lahat ng ginagawa ko'y kanyang nalalaman, kitang-kita niya ang aking bawat hakbang. “Pagsisinungaling ay hindi ko ginawa, kahit isang tao'y wala akong dinaya. Timbangin sana ako ng Diyos sa maayos na timbangan, at makikita niya itong aking katapatan. Kung ako'y lumihis sa landas ng katuwiran, o kaya'y naakit gumawa ng kalikuan, kahit na bahagya'y natukso ng kasamaan, masira nawa ang aking pananim, at ang mga halaman ko'y iba na ang kumain. “Kung ako ay naakit sa asawa ng iba, sa pintuan ng kanyang bahay ay inabangan ko siya, di bale nang asawa ko'y sa iba magsilbi, at siya'y sipingan ng ibang lalaki. Ang pakikiapid ay karumal-dumal na kasalanan, kasamaang nararapat sa hatol na kamatayan. Pagkat iyon ay apoy na di mamamatay, at iyon ang tutupok sa aking buong kabuhayan. “Kung sana'y may inapi ako sa aking mga utusan, at dahil doo'y nagharap sila ng karaingan. Di ako kikibo ako ma'y parusahan, siyasatin man ako'y walang ibibigay na kasagutan. Pagkat ang Diyos na sa akin ay lumalang, siya ring lumikha sa aking mga utusan. “Di ako nagkait ng tulong kailanman, sa mga biyuda at nangangailangan. Di ko pinabayaan ang mga ulila, kapag ako'y kumain, kumakain din sila. Sa buong buhay ko sila'y aking tinulungan, inalagaan, mula pa sa aking kabataan. “Ang makita kong walang damit pagkat walang maibili, binibigyan ko ng makapal na damit, kaya't pasasalamat niya'y walang patid. “Kung ang mga ulila'y aking inapi, pagkat alam kong sa hukuma'y ako ang magwawagi, mabuti pang mga bisig ko ay baliin, at sa aking balikat ito ay tanggalin. Sapagkat sa parusa ng Diyos ako'y natatakot, hindi ko kayang gawin ang gayong gawaing baluktot. “Kung ako ay umasa sa aking kayamanan, at gintong dalisay ang pinanaligan; kung dahil sa tinatangkilik, ako ay nagyabang, o nagpalalo dahil sa aking kayamanan; kung ang araw at ang buwan ay aking sinamba; kung ako'y natangay kahit na lihim lamang, o nagpugay kaya sa sarili kong kamay; ako nga'y nagkasala at dapat hatulan, pagkat itinakwil ko ang Diyos na Makapangyarihan. “Pagdurusa ng kaaway, hindi ko ikinatuwa, ni sa kanilang kapahamakan ako ay nagsaya; kahit minsa'y di ko idinalangin na sila'y mamatay. Mapapatunayan ng aking mga kasamahan, mabuti ang pagtanggap ko sa mga dayuhan. Pinatutuloy ko sila sa aking tahanan, at di sila hinayaang matulog sa lansangan. Kung itinago ko ang aking kasalanan, at kamalian ko ay aking pinagtakpan; at kung dahil sa takot sa iba at sa kanilang pagkutya, ako ay nanahimik at di na nagpakita. “Mayroon sanang nakikinig sa mga sinasabi ko, isinusumpa kong lahat ito'y pawang totoo. Sagutin sana ako ng Diyos na Makapangyarihan, kung isusulat ng kaaway ang kanyang mga paratang. Ito'y aking ikukwintas at isusuot na parang korona. Sasabihin ko sa Diyos ang lahat ng aking ginawa, sa paglapit sa kanya'y wala akong dapat ikahiya. “Kung ang lupa kong binubungkal ay inagaw sa iba, sa pagtutol ng may-ari'y sapilitan kong kinuha. O kung sa ani nito ako'y nagpasasa, samantalang nagugutom ang dito'y nagsaka. Kung gayon ay bayaang damo't tinik ang tumubo, sa halip na sebada o trigo ang doo'y lumago.” Dito nagwawakas ang pagsasalita ni Job. Hindi na nakipagtalo pa ang tatlong kausap ni Job sapagkat talagang iginigiit niyang wala siyang kasalanan. Samantala, may nakikinig noon sa kanilang pag-uusap, isang lalaki na nagngangalang Elihu. Siya ay anak ni Baraquel, apo ni Bus na mula sa angkan ni Ram. Nagalit si Elihu kay Job sapagkat nagmamatuwid si Job sa kanyang sarili at sinisisi pa niya ang Diyos. Nagalit din siya sa tatlong kaibigan ni Job sapagkat hindi nila masagot ang mga sinabi nito at parang lumalabas na ang Diyos ang may kasalanan. Pinakabata si Elihu sa mga naroon kaya hinintay niyang makapagsalita muna ang lahat. Palagay ko'y nararapat na kayo muna ang magsalita, at mamahagi ng karunungan ang nakatatanda. Ngunit ang karunungan ay saan ba nagbubuhat? Di ba sa Diyos na Makapangyarihan? Ngunit hindi dahil matanda ay may pang-unawa, hindi dahil may edad na'y alam na ang tama. Kaya makinig kayo ngayon sa aking sasabihin, itong aking opinyon, inyo namang dinggin. “Matiyaga akong nakinig sa inyong pananalita, at habang naghahanap kayo ng mahuhusay na kataga. Ngunit sa aking narinig, ako'y tunay na nalungkot, hindi ninyo napabulaanan ang sinabi nitong si Job. Huwag ninyong sabihing natuklasan na ninyo ang karunungan, sa sinabi nitong si Job, Diyos lang ang may kasagutan. Kayo at hindi ako ang kausap nitong si Job, kaya iba sa pahayag ninyo itong aking isasagot. “Job, hindi sila makakibo at wala nang masabi, sila ay natitigilan, hindi na makapagsalita, mananatili ba akong naghihintay sa wala? Hindi! Sasagutin kong lahat ang iyong binanggit, sasabihin ko sa iyo ang aking iniisip. Di na ako makapaghintay na magsalita, di ko na mapipigilan ang aking mga kataga. Kapag ang nasa loob ko ay hindi naibulalas, ang dibdib ko ay puputok, laman nito'y sasambulat. Hindi na nga maaari na ako ay maghintay pa, di na ako makatiis kaya ako'y nangusap na. Sa inyong usapan ay wala akong papanigan, ang sinuman sa inyo'y hindi ko papupurihan. Ang di tapat na papuri ay hindi ko nakaugalian, kapag ginawa ko ito, ako'y paparusahan. “At ngayon, Job, makinig ka sa aking sasabihin, at mga salita ko'y bigyan mo ng pansin. Sasabihin ko na ang laman ng aking isipan, lahat ng ilalahad ko ay pawang katapatan, lahat ng ihahayag ay pawang katotohanan. Ang Espiritu ng Diyos ang gumawa sa akin, buhay na taglay ko ay sa Makapangyarihang Diyos nanggaling. “Kung kaya mo'y sagutin mo itong aking sasabihin, ang iyong mga katuwiran ay ihanda mo na rin. Ikaw at ako'y iisa sa harap ng Diyos natin, parehong sa putik tayo nanggaling. Kaya sa aki'y wala kang dapat alalahanin, huwag mong isiping ika'y aking gagapiin. “Ito ang narinig kong sinabi mo: ‘Ako'y malinis at walang nagawang kasalanan, ako'y walang sala at walang kasamaan. Gumagawa lamang ang Diyos ng dahilan upang ako'y parusahan, at itinuturing niya akong isang kaaway. Mga paa ko ay kanyang iginapos, at binabantayan ang aking mga kilos.’ “Ngunit ang sagot ko nama'y nagkakamali ka, Job, sapagkat sa sinumang tao ay mas dakila ang Diyos. Bakit ang Diyos ay iyong pinagbibintangan na di marunong makinig sa iyong karaingan? Magsalita man siya sa iba't ibang paraan, hindi pa rin natin ito lubos na mauunawaan. Nagsasalita siya sa panaginip at pangitain, sa kalaliman ng gabi, kapag ang tao'y nahihimbing. Ipinapaunawa niya ang kanyang saloobin, nagbibigay ng babala sa kanilang pangitain. Nagsasalita ang Diyos upang sila ay pigilan sa paggawa ng masama at sa kapalaluan. Hindi nais ng Diyos na sila'y mamatay kaya sila'y iniligtas niya mula sa hukay. Pinadadalhan niya ang tao ng iba't ibang sakit, upang sa pamamagitan ng kirot ang tao'y maituwid. Ang taong may sakit ay walang panlasa, masarap man ang pagkain, wala pa ring gana. Nauubos ang kanyang laman, natitira'y buto't balat na lamang. At parang handang handa nang pumunta sa daigdig ng mga patay. “O baka siya'y tulungan ng isa sa libong mga anghel, na nagpapaalala sa tao ng kanyang mga tungkulin. Maaaring itong anghel na puspos ng kahabagan, ay magsabi ng ganito: ‘Siya ay pawalan, hindi siya dapat humantong sa libingan, narito ang bayad para sa kanyang kalayaan.’ Siya ay gagaling, muling sisigla; tataglayin muli ang lakas noong kabataan niya. Mananalangin siya sa Diyos at siya'y papakinggan. Ang pagsamba niya'y mapupuno ng kasiyahan, muli siyang ilalagay ng Diyos sa mabuting katayuan. Sasabihin niya sa madla, ‘Sa Diyos ako'y nagkasala, walang matuwid na nagawa subalit pinatawad niya.’ Hindi niya itinulot na ako'y mamatay, magpahanggang ngayon ako'y nabubuhay. Hindi lang minsan na ito'y ginawa ng Diyos, na iligtas ang tao sa kanyang pagkakalugmok, at ang buhay nito'y punuin ng lugod. “Job, tumahimik ka at makinig nang mabuti, pakinggan mo't unawain itong aking sinasabi. Kung mayroon ka namang nais sabihin, huwag mag-atubili't papakinggan ko rin, at kung may katuwiran ka'y aking tatanggapin. Kung wala naman, makinig ka na lang, manahimik ka't, ika'y aking tuturuan.” Sinabi pa ni Elihu, “Makinig kayo, matatalinong tao, itong sinasabi ko ay pakinggan ninyo. Tulad ng masarap na pagkaing inyong natikman, salita ng karunungan, nawa'y inyong pakinggan. Atin ngang talakayin itong usapin, kung ano ang tama ay ating alamin. Ayon dito kay Job ay wala siyang sala, at katarungan ay ipinagkakait daw sa kanya. Bagama't matuwid itinuring na sinungaling siya, at tinadtad ng sugat kahit na walang sala. “May nakita na ba kayong tulad nitong si Job? Kaunti man ay wala siyang paggalang sa Diyos. Panay na masama ang kanyang kasamahan, nakikisama siya sa mga makasalanan. Sinabi niya na walang mabuting idudulot ang paglakad at pagsunod sa nais ng Diyos. “Makinig kayo sa akin, mga taong magagaling, ang Makapangyarihang Diyos ba'y maaakay sa masamang gawain? Ginagantimpalaan niya ang tao ayon sa gawa, ang iginagawad sa kanila ay iyon lamang tama. Hindi gumagawa ng masama ang Diyos na Makapangyarihan, hindi niya kailanman binabaluktot ang katarungan. May nagbigay ba sa Diyos ng kapangyarihan? At sinong naghabilin sa kanya nitong sanlibutan? “Kung matalino kayo, pakinggan ninyo ito. Hindi ba ang Diyos ay makatarungan, bakit hinahatulan siya na parang makasalanan? Sa mga hari, siya ang nagpaparusa, kung sila'y masama at walang halaga. Siya ang lumikha sa sangkatauhan, kaya walang itinatangi, mahirap man o mayaman. Sa isang kisap-mata, ang tao'y mamamatay, ang hampasin ng Diyos, bigla na lamang papanaw kahit siya'y malakas o makapangyarihan. Bawat kilos ng tao'y tinitingnan niya, ang bawat hakbang nito'y di lingid sa kanya. Walang sapat na kadiliman ang mapagtataguan ng mga makasalanan. Hindi na kailangan ng Diyos na magtakda ng panahon, upang ang tao'y lumapit sa kanya at gawaran ng hatol. Hindi na rin kailangang siya'y mag-imbestiga, upang mga pinuno'y alisin at palitan ng iba. Sapagkat alam niya ang kanilang mga gawain, sa gitna ng dilim, sila'y kanyang wawasakin. Pinaparusahan niya ang masasama nang nakikita ng madla, sapagkat ang kanyang mga utos ay nilalabag nila. Dahil sa masasama, ang mahihirap ay humihibik kaya't sa daing nila ang Diyos ay nakikinig. “Kung ipasya ng Diyos na huwag kumibo, walang maaaring sa kanya'y magreklamo. Kung kanyang talikuran ang sangnilikha, ang tao kaya ay may magagawa? Walang magagawa ang alinmang bansa upang makaiwas sa pinunong masasama. “Job, inamin mo na ba sa Diyos ang iyong kasalanan, nangako ka na bang titigil sa kasamaan? Hiniling mo na bang sa iyo'y ipaunawa ang lahat ng iyong masasamang gawa? Nangako ka na bang titigil na nga sa gawang di tama? Sapagkat sa Diyos ikaw ay lumalaban, ibibigay kaya niya ang iyong kailangan? Ikaw ang magsabi ng iyong kapasyahan, sabihin mong lahat ang iyong nalalaman. “Ang taong mayroong taglay na talino na makarinig sa aki'y magsasabi ng ganito: ‘Ang salita ni Job ay bunga ng kamangmangan, at lahat ng sinasabi niya ay walang kabuluhan.’ Isipin ninyong mabuti ang mga sinasabi niya, ang mga sagot niya ay sagot ng taong masasama. Dinaragdagan pa niya ng paghihimagsik ang kanyang mga kasalanan, hinahamak niya ang Diyos sa ating harapan.” Nagpatuloy pa si Elihu, “Ikaw, Job, ay wala sa katuwiran, di mo masasabing sa harap ng Diyos, ika'y walang kasalanan. Sa iyong sinasabi, ang mapapala ko'y ano? Hindi kaya mabuti pang nagkasala na nga ako? Ika'y aking sasagutin sa sinabi mong ito. Sasagutin kita, pati mga kaibigan mo. “Tumingala ka sa langit at igala ang paningin, masdan mo ang mataas na ulap sa papawirin. Di napipinsala ang Diyos sa mga kasalanan mo, walang magagawa sa kanya gaano man karami ito. Wala kang naitulong sa kanya sa iyong pagiging matuwid, wala kang naibigay kahit bagay na maliit. Kung nagkakasala ka'y kapwa mo ang nagdurusa, sa paggawa ng mabuti'y natutulungan mo sila. “Kapag ang mga tao'y inaapi, sila ay dumaraing, sila'y nagmamakaawa upang ang tulong ay kamtin. Ngunit hindi naman sila lumalapit sa Diyos, na nagbibigay ng pag-asa kung dinaranas ay lungkot. Ayaw nilang lumapit sa Diyos na nagbibigay sa atin ng karunungan, higit sa taglay ng mga hayop o ibon sa kalawakan. Humihibik sila sa Diyos ngunit hindi pinapakinggan, pagkat sila'y mga palalo at puno ng kasamaan. Huwag sabihing ang Makapangyarihang Diyos ay di nakikinig, na di niya pinapansin ang kanilang sinapit. “Ikaw na rin ang nagsabing ang Diyos ay hindi mo nakikita, maghintay ka na lamang sapagkat ang kalagayan mo'y alam niya. Akala mo'y hindi siya marunong magparusa, at ang kasamaa'y ipinagwawalang-bahala niya. Wala nang saysay kung magsasalita ka pa, mga sinasabi mo nama'y walang kuwenta.” Idinagdag pa ni Elihu, “Magtiyaga ka pa nang kaunti at makinig sa akin, pagkat ayon sa Diyos itong aking sasabihin. Ibubuhos kong lahat ang aking nalalaman upang patunayang ang aking Diyos ay makatarungan. Lahat ng sasabihin ko ay pawang katotohanan, pagkat akong kausap mo'y malawak ang kaalaman. “Ang Diyos ay dakila at di nagtatakwil ng sinuman, siya ay dakila sa taglay niyang kaalaman. Hindi niya pinatatagal ang buhay ng mga makasalanan, ang mga mahihirap ay binibigyan niya ng katarungan. Ang matuwid ay kanyang iniingatan, ginagawang parang hari, at binibigyang-karangalan sa lahat ng sandali. Kung ang tao'y nagagapos o natatanikalaan o kaya'y nagdurusa sa nagawang kasalanan, ipinamumukha ng Diyos ang kanilang kasamaan, at ang naghaharing hambog na isipan. Sila'y kanyang sinasaway at binabalaan na tumalikod sa kanilang kasamaan. Kung sila ay makinig at sa Diyos ay maglingkod, buhay na sagana at payapa, sa kanila'y idudulot. Ngunit kapag sila'y di nakinig at pinairal ang kamangmangan, tiyak na kamatayan ang kanilang hahantungan. “Poot ang naghahari sa dibdib ng masama, parusahan man ng Diyos, ayaw pa ring magmakaawa. Sa kanilang kabataan sila ay namamatay, nagwakas sa kahihiyan ang kanilang mga buhay. Ang tao'y pinaghihirap ng Diyos upang bigyang-aral, at kanyang pinagdurusa upang mabuksan ang kanilang pananaw. “Inalis ka ng Diyos sa kaguluhan, pinagtamasa ka niya ng kapayapaan, at pinuno ng pagkain ang iyong tahanan. Ngunit ngayon, ikaw ay pinaparusahan bilang katumbas ng iyong kasamaan. Huwag mong pabayaang suhulan ka ng sinuman, mag-ingat upang di mailigaw ng mga kayamanan. Dumaing ka man nang dumaing ay wala nang mangyayari, ang taglay mong lakas ngayon ay wala na ring silbi. Huwag mong naising ang gabi'y dumating na, ang oras na ang mga bansa ay mawawala na. Huwag mong isipin ang magpakasama, ito ang dahilan kaya ika'y nagdurusa. “Alalahanin mong ang Diyos ay makapangyarihan, pinakadakilang guro sa lahat ng bagay. Walang makakapagsabi sa Diyos ng dapat niyang gampanan, at walang kasamaang maaaring ibintang. Lahat ay nagpupuri sa kanya dahil sa kanyang ginagawa, kaya ikaw man ay magpuri rin at sa kanya'y dumakila. Ang mga gawa niya, lahat ay namasdan, ngunit hindi ito lubos na maunawaan. Di masusukat ng tao ang kanyang kadakilaan, at ang kanyang mga taon ay hindi rin mabibilang. “Ang tubig sa lupa'y itinataas ng Diyos, upang gawing ulan at sa daigdig ay ibuhos. Ang mga ulap ay ginagawa niyang ulan, at masaganang ibinubuhos sa sangkatauhan. Sa galaw ng mga ulap ay walang nakakaalam, at kung paano kumukulog sa kalangitan. Pinagliliwanag niya ang kalawakan sa pagguhit ng kidlat, ngunit nananatiling madilim ang kailaliman ng dagat. Pinapamahalaan niya ang tao sa ganitong paraan, at masaganang pagkain, tayo'y hindi pinagkaitan. Ang kidlat ay kanyang hinahawakan, at pinababagsak sa nais niyang matamaan. Ipinapahayag ng kidlat ang kanyang kalooban, at ang kanyang galit laban sa kasamaan. Kinakabahan ako kapag bumabagyo, at hindi ko malaman ang gagawin ko. Pakinggan ninyo ang tinig ng Diyos mula sa bibig niya'y nanggagaling ang kulog. Ang kidlat ay kanyang pinaguguhit sa kalangitan, mula sa isang panig ng daigdig hanggang sa kasuluk-sulukan. Tinig niya'y umuugong, parang dagundong ng kulog, ang pagguhit ng kidlat ay hindi malagut-lagot. Sa isang salita niya'y may nangyayaring kababalaghan, kahanga-hangang bagay na di natin mauunawaan. Pinauulan niya ng yelo sa ibabaw ng daigdig, ibinubuhos niya sa lupa ang ulang walang patid. Pinahihinto niya ang tao sa kanilang gawain, upang malaman nila kung ano ng kaya niyang gawin. Ang maiilap na hayop ay nasa kanilang mga taguan. Ang malalakas na hangi'y sa timog nagmumula, at ang malamig na simoy ay galing sa hilaga. Sa hininga ng Diyos nabubuo itong tubig, nagiging yelong matigas at napakalamig. Pinabibigat niya itong mga ulap, mula rito'y pinaguguhit ang mga kidlat. Ito'y bilang pagsunod sa utos ng ating Diyos, sumusunod kahit saang panig nitong sansinukob. Ang ulang ibinubuhos ng dakilang Diyos, maaaring parusa o kagandahang-loob. “Tumigil ka sandali, Job, at iyong isipin, ang mga gawa ng Diyos na walang kahambing. Alam mo ba kung paano niya inuutusan, na maglabasan ang kidlat sa kalangitan? Alam mo ba kung bakit ang ulap ay lumulutang? Iyan ay gawa ng makapangyarihan niyang kamay. Tunay at ganap ang kanyang kaalaman. Hindi mo nga alam! Sapagkat nadarama mo lamang ang matinding init, kapag ang hanging habagat ay umiihip. Tulad ng ginawa niya, ang langit ba'y iyong mailalatag na parang metal na makinis at matigas? Ituro mo sa amin ang dapat sabihin sa Diyos, isip nami'y walang laman, pang-unawa'y kapos. Ang makipag-usap sa Diyos ay di ko na hahangarin, bakit bibigyan ko siya ng pagkakataong ako ay puksain? “Ngayon ang langit ay nalinis na ng hangin, at nakakasilaw ang kanyang luningning. May malagintong kaningningan sa gawing hilaga, iyon ay kaluwalhatian ng Diyos na dakila. Ang Diyos ay tunay na makapangyarihan, kaya walang makalapit sa kanyang kinalalagyan. Siya ay tapat at makatarungan sa pakikitungo sa sangkatauhan. Di kataka-takang siya'y iginagalang ng lahat, at di niya pinapansin ang mga nagkukunwaring mauutak.” Pagkatapos nito, sumagot ang Diyos kay Job sa pamamagitan ng malakas na bagyo, “Sino kang mag-aalinlangan sa aking kaalaman? Lalo lamang lumilitaw ang iyong kamangmangan. Tumayo ka riyan at magpakalalaki, tanong ko'y sagutin, ikaw ay magsabi. Nasaan ka nang likhain ko ang mundo? Kung talagang may alam ka, lahat ay sabihin mo. Sino ang nagpasya tungkol sa lawak nito? Sino ang sumukat, alam mo ba ito? Sino ang may hawak ng mga haligi ng mundo? Sino ang naglagay ng mga panulukang-bato? Noong umagang iyon, ang mga bitui'y nag-awitan, at mga nilalang sa langit, sa tuwa'y nagsigawan. “Sino ang humarang sa agos ng dagat, nang mula sa kalaliman ito'y sumambulat? Tinakpan ko ang dagat ng ulap na makapal, at binalutan ito ng kadiliman. Ang dagat ay nilagyan ko ng hangganan, upang ito'y manatili sa likod ng mga harang. Sinabi kong sila'y hanggang doon na lang, at huwag lalampas ang alon na naglalakihan. Job, nakalikha ka ba kahit isang bukang-liwayway? Ang daigdig ba ay naigawa mo ng tanglaw, upang ang masasama'y mabulabog sa taguan? Malinaw na gaya ng tatak sa putik, nang makulayan ay tumingkad gaya ng damit. Masasamang tao'y nasisilaw sa liwanag ng araw, sa paggawa ng karahasan sila'y napipigilan. “Nakapunta ka na ba sa mga bukal ng karagatan? Ang sahig ng dagat ay iyo bang nalakaran? May nakapagturo na ba sa iyo sa mga pintuan na pasukan tungo sa madilim na daigdig ng mga patay? Alam mo ba kung gaano kalaki itong mundo? Sumagot ka kung alam mo. “Alam mo ba kung saan nanggagaling ang liwanag, at ang kadiliman, saan ba ito nagbubuhat? Masasabi mo ba kung hanggang saan dapat makarating, at mula doon sila'y iyong pabalikin? Ikaw ay matanda na, baka nga iyong kaya, pagkat nang likhain ang daigdig, ikaw ay nariyan na! “Napuntahan mo na ba ang aking mga imbakan ng niyebe at ng yelong ulan? Ang mga ito'y aking inilalaan, sa panahon ng digmaan at ng kaguluhan. Nakapunta ka na ba sa sikatan ng araw, o sa pinagmumulan ng hanging silangan? “Sino nga ba ang humukay ng daanan ng baha? Ang landas ng kulog ay sino ang gumawa? Sino ang nagbibigay ng ulan sa disyerto, kahit na doo'y wala namang nakatirang tao? Sino ang dumidilig sa tigang na lupa, upang dito'y tumubo ang damong sariwa? Ang ulan ba o ang hamog ay mayroong ama? Ang yelong malamig, mayroon bang ina? Sino nga kaya ang nagsilang sa kanila? Sa labis na lamig, tubig ay tumitigas, nagiging parang bato ang ibabaw ng dagat. “Ang Pleyades ba'y iyong matatalian, o ang Orion kaya'y iyong makakalagan? Mapapatnubayan mo ba ang mga bituin, o maituturo ang daan ng malaki't maliit na diper? Alam mo ba ang mga batas sa langit, ito ba'y maiaangkop mo sa daigdig? “Ang mga ulap ba'y iyong mauutusan upang sa lupa ay magbuhos ng malakas na ulan? Mauutusan mo ba ang kidlat na ito'y kumislap, sumunod naman kaya sa iyong mga atas? Sino ang nagsasabi sa ibong Ibis kung kailan tataas ang Ilog Nilo, at sino ang nagpapabatid sa tandang upang ibadya ang pagdating ng bukang-liwayway? Sinong makakabilang sa ulap na makapal, o makakapagtaob nito upang bumuhos ang ulan? Ang ulan na sa alabok ay babasa, kapag iyon ay natuyo, magiging matigas na lupa. “Maihahanap mo ba ng pagkain ang mga leon, upang mapawi ang kanilang gutom? Habang sila'y naroon sa kanilang taguan, at wari bang pagkai'y kanilang hinihintay? Sino ang nagbibigay ng pagkain sa mga ibon, sino ang bumubusog sa kanilang inakay na nagugutom? Ang panganganak ng mga kambing, alam mo ba kung kailan, o ang panahon na ang usa ay magsisilang? Bilang mo ba ang araw ng anak niya habang nasa tiyan? Alam mo ba kung kailan ito iluluwal? Namasdan mo ba habang sila ay gumagapang sa pagbubukas ng sinapupunan upang ang anak ay isilang? Ang kanilang mga anak doon lumalaki sa parang at kapag malaki na ay tuluyang lumilisan. “Sino ba ang nagbibigay laya sa mga asno? Sa asnong maiilap, ang nagpalaya ay sino? Tirahang ibinigay ko ay ang kaparangan, at doon sa maalat na kapatagan. Sila'y lumalayo sa lunsod na maingay, walang makapagpaamo at hindi mautusan. Ang pastulan nila'y ang kaburulan, hinahanap nila'y sariwang damuhan. “Ang mailap na toro iyo kayang mapagtrabaho? Maitali mo kaya siya isang gabi sa iyong kuwadra? Matatalian mo kaya siya ng lubid upang sa pag-aararo ay magamit, at sa paghila ng suyod sa iyong mga bukid? Iyo bang maaasahan ang lakas na taglay niya? Mabibigat mong gawai'y maipagkakatiwala ba sa kanya? Umaasa ka ba na siya ay magbabalik upang sa ani mo ay siya ang gumiik? “Ang pakpak ng ostrits buong gandang kumakampay, nagbabadya kaya iyon kahit bahagyang pagmamahal? Ang kanyang mga itlog sa lupa ay iniiwan, ito'y hinahayaang sa lupa ay mainitan. Di niya iniisip na baka ito'y matapakan, o baka madurog ng mailap na nilalang. Sa mga inakay niya siya ay malupit, hindi niya alintanang hirap niya'y di masulit, sapagkat pang-unawa ay di ko siya binigyan, di ko hinatian ng kahit kaunting katalinuhan. Ngunit napakabilis kapag siya'y tumatakbo, pinagtatawanan lang niya kahit ang kabayo. “Ikaw ba ang nagbigay ng lakas sa kabayo? Ikaw ba ang naglagay ng magandang buhok nito? Ikaw ba ang nagpapalukso dito na parang balang, at kapag humalinghing ay kinatatakutan? Nagpapakitang-gilas sa pagkamot niya sa lupa, at napakabilis tumakbo upang makidigma. Siya ay nagtatawa sa gitna ng panganib, sa tabak na nakaumang, hindi siya nanginginig. Ang mga sandata ng sa kanya'y nakasakay, sa sikat ng araw kumakalampag at kumikinang. Sa bilis ng kanyang takbo, lupa'y parang nilululon, hindi siya mapakali kapag trumpeta ay umugong. Sa tunog ng trumpeta'y halinghing ang sagot niya. Ang ingay ng digmaan, dinig nito kahit malayo pa; maging ang utos ng kapitan sa mga kasama. “Ikaw ba ang nagturo sa lawin upang ito'y makalipad, kapag ikinakampay ang pakpak tungo sa timog ang tahak? Naghihintay ba ng iyong utos ang agila, upang sa mataas na bundok gumawa ng pugad niya? Matataas na bato ang kanyang tirahan, mga pagitan ng bato ang pinagkukutaan. Ang kanyang biktima'y doon niya pinagmamasdan, kahit malayo pa ay kanya nang natatanaw. Sa kanyang mga inakay, dugo ang ibinubuhay, at tiyak na naroon siya kung saan mayroong bangkay.” Sinabi ni Yahweh kay Job, “Ang mapaghanap ba ng mali ay mangangatwiran, at sa Makapangyarihan ay makikipaglaban? Sinumang sa Diyos ay nakikipagtalo, ay dapat sumagot sa tanong na ito.” Tumugon naman si Job, “Narito, ako'y hamak at walang kabuluhan, wala akong maisasagot, bibig ay tatakpan. Sa panig ko'y nasabi na ang lahat ng sasabihin, ako'y di na kikibo, nasabi'y di na uulitin.” Buhat sa bagyo, sinagot ni Yahweh si Job, “Tumayo ka ngayon at magpakalalaki, tanong ko'y sagutin, ikaw ay magsabi. Ako pa ba ang nais mong palabasing masama upang iyong palitawin na ikaw ang siyang tama? Ang iyong lakas ba ay katulad ng sa Diyos? Tinig mo ba'y dumadagundong, katulad ng kulog? Kung gayon, balutin mo ang sarili ng dangal at kadakilaan, magbihis ka muna ng luwalhati't kaningningan. Ibuhos mo nga ang tindi ng iyong poot, at ang mga palalo'y iyong ilugmok. Subukin mong pahiyain ang mga palalo, at ang masasama'y tapakan sa kanilang puwesto. Ibaon mo silang lahat sa ilalim ng lupa, sa daigdig ng mga patay sila'y itanikala. Kung iyan ay magawâ mo, maniniwala ako sa iyo na kaya mong magtagumpay sa sariling kakayahan mo. “Ang dambuhalang hayop ay tingnan mo, gaya mo'y nilikha ko dito sa mundo. Ito'y parang baka kung kumain ng damo. Ang lakas niya'y naiipon sa kanyang katawan; ang kapangyarihan, sa himaymay ng kanyang laman. Ang tigas ng buntot niya ay sedar ang katulad, ang kanyang mga hita'y siksik at matatag. Parang tanso ang kanyang mga buto, sintigas ng bakal ang kanyang mga braso. “Siya ay pangunahin sa mga nilikha, ngunit magagapi nang sa kanya'y lumikha. Siya'y nanginginain doon sa mga bundok, doon sa tirahan ng kapwa niya hayop. Siya'y doon lumalagi sa ilalim ng tinikan, nakatago sa gitna ng mga talahib sa putikan. Sanga ng mga puno ang sa kanya'y tumatakip, sa kanya'y nakapaligid sa tabi nitong batis. Hindi siya natatakot lumakas man ang agos; ang Jordan man ay lumalim, mahinahon pa rin kung kumilos. Siya kaya ay mahuli sa pamamagitan ng bingwit, makuha kaya siya sa ilong sa pamamagitan ng kawit? “Mahuhuli mo ba ang Leviatan sa pamamagitan ng pamingwit? Maitatali mo ba ang dila nito sa pamamagitan ng lubid? Matatalian mo kaya ng lubid ang ilong nito? Tatagusan kaya ng kawit ang mga panga nito? Siya kaya ay lumapit at lumuhod sa harap mo, magsalita nang malumanay at magmakaawa sa iyo? Siya kaya'y makiusap at ikaw ay pangakuan, na sa habang buhay ikaw ay paglingkuran? Siya kaya'y parang ibong tatalian at lalaruin upang mga babaing lingkod mo ay aliwin? Tawaran kaya siya ng mga mamimili, paghatian kaya siya upang maipagbili? Tablan kaya ang makapal niyang balat, sa ulo kaya niya'y tumagos ang matulis na sibat? Hawakan mo siya kahit na minsan lang, hindi mo na uulitin dahil sa inyong paglalaban. “Ang sinumang sa kanya'y makakakita, sa lupa'y mabubuwal, nawawalan ng pag-asa. Kapag siya'y ginambala, ubod siya ng bagsik. Sa kanyang harapa'y walang nangangahas lumapit. Sinong lulusob sa kanya at hindi mamamatay? Walang makakagawa nito sa buong sanlibutan. “Ang kanyang mga binti ay malaki at matatag, at walang kaparis ang taglay nitong lakas. Sino ang makakapag-alis sa panlabas niyang kasuotan? May sandata na bang nakatusok sa balat niyang makapal? Sa bibig niya'y sino kaya ang maaaring magbuka? Nakakatakot na mga ngipin nakahanay sa bunganga niya. Maraming kalasag, nakahanay sa kanyang likod; sintigas ng bato at nakalagay nang maayos. Kung siya ay bumahin, ang ilong ay nag-aapoy, mata niya'y mapula parang araw sa dapit-hapon. Mula sa bibig niya'y may apoy na lumalabas, mga baga ng apoy ang doo'y sumisiklab. Sa ilong niya'y nanggagaling ang makapal na usok, parang usok na nagmumula sa kumukulong palayok at damong sinusunog. Hininga niya'y nagbabaga, sa init ay nag-aalab; naglalagablab na apoy sa bibig niya'y nagbubuhat. Ang kanyang leeg nama'y puno ng kalakasan, sinumang makakita sa kanya'y kinikilabutan. Walang mahinang bahagi sa kanyang balat, tulad ng bakal, matigas at makunat. Ang tigas ng kanyang puso, bato ang katulad, gaya ng batong gilingan sa tibay at tatag. Kapag siya ay tumayo masisindak rin ang pinakamalakas, wala silang magawâ, at sa takot ay tumatakas. Pagkat siya'y di tatablan kahit na ng tabak, maging ng palaso, ng punyal o ng sibat. Sa kanya ang bakal ay parang dayaming marupok, ang katulad nitong tanso ay kahoy na nabubulok. Sa palaso'y hindi siya maaaring mapatakbo, sa kanya'y parang dayami ang tirador at ang bato. Kahoy na panghampas sa kanya'y para lamang patpat, tumatawa lamang siya kapag siya'y sinisibat. Kaliskis ng kanyang tiyan ay napakatalas, at sa putik na daanan, nag-iiwan ng mga bakas. Kaya niyang pakuluin ang malalim na tubig, hinahalo niya ang dagat na parang palayok ng langis. Ang kanyang madaana'y kumikislap sa liwanag, ang akala mo sa tubig, puting buhok ang katulad. Dito sa daigdig ay wala siyang katulad, pagkat siya'y walang takot, hindi nasisindak. Sa lahat ng mga hayop ay mababa ang tingin niya, at sa kanilang lahat ang naghahari ay siya.” Ito naman ang sagot ni Job kay Yahweh: “Alam kong ang lahat ng bagay ay kaya ninyong gawin, at walang makakapigil sa lahat ng inyong balakin. Itinatanong ninyo, ‘Sino akong nangahas na kayo'y pag-alinlanganan gayong ako nama'y walang nalalaman?’ Nagsalita ako ng mga bagay na di ko nauunawaan, ng mga hiwagang di abot ng aking isipan. Sinabi ninyong papakinggan ko ang iyong sasabihin, at ang iyong mga tanong ay aking sasagutin. Noo'y nakilala ko kayo dahil sa sinabi ng iba, subalit ngayo'y nakita ko kayo ng sarili kong mga mata. Kaya ako ngayon ay nagsisisi, ikinahihiya lahat ng sinabi, sa alabok at abo, ako ay nakaupo.” Pagkasabi nito kay Job, si Elifaz na Temaneo naman ang hinarap ni Yahweh. Sinabi niya, “Matindi ang galit ko sa iyo at sa dalawa mong kaibigan sapagkat hindi ninyo sinabi ang katotohanan tungkol sa akin tulad nang ginawa ni Job. Kaya ngayon, kumuha kayo ng pitong toro at pitong tupa. Dalhin ninyo ito kay Job at sunugin bilang handog. Ipapanalangin kayo ni Job. Siya lamang ang papakinggan ko para hindi na kayo pagbayarin sa inyong kahangalan, dahil sa hindi ninyo paglalahad ng buong katotohanan tulad nang ginagawa niya.” Ganoon nga ang ginawa nina Elifaz na Temaneo, Bildad na Suhita, at Zofar na Naamita. At ang panalangin ni Job ay dininig ni Yahweh. Ang kabuhayan ni Job ay ibinalik ni Yahweh sa dati, nang ipanalangin nito ang tatlong kaibigan. At dinoble pa ni Yahweh ang kayamanan ni Job. Lahat ng kapatid nito, mga kamag-anak at kakilala ay dumalaw sa kanya at nagsalu-salo sila. Bawat isa'y nakiramay sa nangyari sa kanya at nagbigay ng salapi at singsing na ginto. Ang mga huling araw ni Job ay higit na pinagpala ni Yahweh. Binigyan niya ito ng labing-apat na libong tupa, anim na libong kamelyo, dalawang libong baka at sanlibong inahing asno. Nagkaroon pa si Job ng pitong anak na lalaki at tatlong anak na babae. Ang pangalan ng mga babae ay Jemima, Kezia at Keren-hapuc. Ang mga anak na babae ni Job ang pinakamaganda sa buong lupain. Pinamanahan din niya ang mga ito, tulad ng mga anak na lalaki. Si Job ay nabuhay pa nang sandaan at apatnapung taon. Inabutan pa siya ng kanyang mga apo sa ikaapat na salinlahi. Matandang-matanda na siya nang mamatay. Mapalad ang taong hindi nakikinig sa payo ng masama, at hindi sumusunod sa masama nilang halimbawa. Hindi siya nakikisama sa mga kumukutya at hindi nakikisangkot sa gawaing masama. Sa halip, kasiyahan niyang sumunod sa kautusan ni Yahweh. Binubulay-bulay niya ito sa araw at gabi. Katulad niya'y punongkahoy sa tabi ng isang batisan, laging sariwa ang dahon at namumunga sa takdang panahon. Ano man ang kanyang gawin, siya'y nagtatagumpay. Hindi gayon ang sinumang gumagawa ng masama, ito ay tulad ng ipa, hangin ang siyang nagtatangay. Sa araw ng paghuhukom, parusa niya'y nakalaan siya'y ihihiwalay sa grupo ng mga banal. Sa taong matuwid, si Yahweh ang pumapatnubay, ngunit ang taong masama, kapahamakan ang hantungan. Bakit nagbabalak maghimagsik ang mga bansa? Sa sabwatan nilang ito'y anong kanilang mapapala? Mga hari ng lupa'y nagkasundo at sama-samang lumalaban, hinahamon si Yahweh at ang kanyang hinirang: Sinasabi nila: “Ang paghahari nila sa atin ay dapat nang matapos; dapat na tayong lumaya at kumawala sa gapos.” Si Yahweh na nakaupo sa langit ay natatawa lamang, lahat ng plano nila ay wala namang katuturan. Sa tindi ng kanyang galit, sila'y kanyang binalaan; sa tindi ng poot, sila'y kanyang sinabihan, “Doon sa Zion, sa bundok na banal, ang haring pinili ko'y aking itinalaga.” “Ipahahayag ko ang sinabi sa akin ni Yahweh, ‘Ikaw ang aking anak, mula ngayo'y ako na ang iyong ama. Hingin mo ang mga bansa't ibibigay ko sa iyo, maging ang buong daigdig ay ipapamana ko. Dudurugin mo sila ng tungkod na bakal; tulad ng palayok, sila'y magkakabasag-basag.’” Kaya't magpakatalino kayo, mga hari ng mundo, ang babalang ito'y unawain ninyo: Paglingkuran ninyo si Yahweh nang may takot at paggalang, sa paanan ng kanyang anak yumukod kayo't magparangal, baka magalit siya't bigla kayong parusahan. Mapalad ang taong ang Diyos ang kanlungan. O Yahweh, napakarami pong kaaway, na sa akin ay kumakalaban! Ang lagi nilang pinag-uusapan, ako raw, O Diyos, ay di mo tutulungan! (Selah) Ngunit ikaw Yahweh, ang aking sanggalang, binibigyan mo ako ng tagumpay at karangalan. Tumatawag ako kay Yahweh at humihingi ng tulong, sinasagot niya ako mula sa banal na bundok. (Selah) Ako'y nakakatulog at nagigising, buong gabi'y si Yahweh ang tumitingin. Sa maraming kalaba'y di ako matatakot, magsipag-abang man sila sa aking palibot. Yahweh na aking Diyos, iligtas mo ako! Parusahang lahat, mga kaaway ko, kapangyarihan nila'y iyong igupo. Si Yahweh ang nagbibigay ng tagumpay; pagpalain mo nawa ang iyong bayan! (Selah) Sagutin mo po ang aking pagtawag, O Diyos, na aking kalasag! Sa kagipitan ko, ako'y iyong tinulungan, kaawaan mo ako ngayon, dalangin ko'y pakinggan. Kayong mga tao, hanggang kailan ninyo ako hahamakin? Ang walang kabuluhan at kasinungalingan, hanggang kailan ninyo iibigin? (Selah) Dapat ninyong malamang itinalaga ni Yahweh ang matuwid, kapag tumatawag ako sa kanya, siya'y nakikinig. Huwag hayaang magkasala ka nang dahil sa galit; sa iyong silid, pag-isipa't ika'y manahimik. (Selah) Nararapat na handog, inyong ialay, pagtitiwala n'yo'y kay Yahweh ibigay. Tanong ng marami, “Sinong tutulong sa atin?” Ikaw, O Yahweh ang totoong mahabagin! Puso ko'y iyong pinuno ng lubos na kagalakan, higit pa sa pagkain at alak na inumin. Sa aking paghiga, nakakatulog nang mahimbing, pagkat ikaw, Yahweh, ang nag-iingat sa akin. Pakinggan mo Yahweh ang aking pagdaing, ang aking panaghoy, sana'y bigyang pansin. Aking Diyos at hari, karaingan ko'y pakinggan, sapagkat sa iyo lang ako nananawagan. Sa kinaumagahan, O Yahweh, tinig ko'y iyong dinggin, at sa pagsikat ng araw, tugon mo'y hihintayin. Ikaw ay Diyos na di nalulugod sa kasamaan, mga maling gawain, di mo pinapayagan. Ang mga palalo'y di makakatagal sa iyong harapan, mga gumagawa ng kasamaa'y iyong kinasusuklaman. Pinupuksa mo Yahweh, ang mga sinungaling, galit ka sa mamamatay-tao, at mga mapanlamang. Ngunit dahil sa iyong dakilang pagmamahal, makakapasok ako sa iyong tahanan; ika'y sambahin ko sa Templo mong banal, luluhod ako tanda ng aking paggalang. Patnubayan mo ako, Yahweh, sa iyong katuwiran, dahil napakarami ng sa aki'y humahadlang, landas mong matuwid sa aki'y ipaalam, upang ito'y aking laging masundan. Ang mga sinasabi ng mga kaaway ko'y kasinungalingan; saloobin nila'y pawang kabulukan; parang bukás na libingan ang kanilang lalamunan, pananalita nila'y pawang panlilinlang. O Diyos, sila sana'y iyong panagutin, sa sariling pakana, sila'y iyong pabagsakin; sa dami ng pagkakasala nila, sila'y iyong itakwil, sapagkat mapaghimagsik sila at mga suwail. Ngunit ang humihingi ng tulong sa iyo ay masisiyahan, at lagi silang aawit nang may kagalakan. Ingatan mo ang mga sa iyo'y nagmamahal, upang magpatuloy silang ika'y papurihan. Pinagpapala mo, O Yahweh, ang mga taong matuwid, at gaya ng kalasag, protektado sila ng iyong pag-ibig. O Yahweh, huwag mo akong sumbatan nang dahil lamang sa galit, o kaya'y parusahan kapag ika'y nag-iinit. Ubos na ang lakas ko, ako'y iyong kahabagan, pagalingin mo ako, mga buto ko'y nangangatal. Ang aking kaluluwa'y lubha nang nahihirapan, O Yahweh, ito kaya'y hanggang kailan magtatagal? Magbalik ka, O Yahweh, at buhay ko'y iligtas, hanguin mo ako ng pag-ibig mong wagas. Kapag ako ay namatay, di na kita maaalala, sa daigdig ng mga patay, sinong sa iyo'y sasamba? Pinanghihina ako nitong aking karamdaman; gabi-gabi'y basa sa luha itong aking higaan, binabaha na sa kaiiyak itong aking tulugan. Mata ko'y namamaga dahil sa aking pagluha, halos di na makakita, mga kaaway ko ang may gawa. Kayong masasama, ako'y inyong layuan, pagkat dininig ni Yahweh ang aking karaingan. Dinirinig ni Yahweh ang aking pagdaing, at sasagutin niya ang aking panalangin. Ang mga kaaway ko'y daranas ng matinding takot at kahihiyan; sila'y aatras at sa biglang pagkalito'y magtatakbuhan. O Yahweh, aking Diyos, sa iyo ako lumalapit, iligtas mo ako sa mga taong sa aki'y tumutugis, kundi, sila'y parang leon na lalapa sa akin kung walang magliligtas, ako nga ay papatayin. O Yahweh, aking Diyos, kung ako ma'y nagkasala, at kung aking mga kamay ay puminsala sa iba, kung ako ay naging taksil sa tapat kong kaibigan, kung ako po'y naminsala o nang-api ng kaaway, payag akong hulihin, patayin kung kailangan, iwan akong walang buhay at sa lupa'y mahandusay. (Selah) O Yahweh, bumangon ka, puksain mo ang kaaway, ako'y iyong ipagtanggol sa malupit nilang kamay! Gumising ka't sagipin mo, ako ngayon ay tulungan, dahil ang hangad mo'y maghari ang katarungan. Tipunin mo sa iyong piling ang lahat ng mga bansa, at mula sa trono sa kaitaasan, ikaw Yahweh ang mamahala. Sa lahat ng mga bayan ikaw ang hukom na dakila, humatol ka sa panig ko sapagkat ako'y taong tapat. Ikaw ay isang Diyos na matuwid, batid mo ang aming damdamin at pag-iisip; sugpuin mo ang gawain ng masasama, at ang mabubuti'y bigyan mo ng gantimpala. Ang Diyos ang aking sanggalang; inililigtas niya ang may pusong makatarungan. Ang Diyos ay isang hukom na makatarungan, at nagpaparusa sa masama sa bawat araw. Kung di sila magbabago sa masasama nilang gawa, ang tabak ng Diyos ay kanyang ihahasa; pati ang kanyang pana ay kanyang ihahanda. Mga pamatay na sandata ay kanyang itatakda, kanya ring iuumang ang mga palasong nagbabaga. Pagmasdan mo ang masama, sa baluktot niyang isip, ipinaglilihi niya ang kalokohan at ipinanganganak niya ang kasamaan. Humuhukay nang patibong para sa ibang tao, subalit siya rin mismo ang nahuhulog dito. Siya rin ang may gawa sa parusang tinatanggap, sa sariling karahasan, siya ngayo'y naghihirap. Pasasalamatan ko si Yahweh sa kanyang katarungan, aawitan ko ng papuri ang Kataas-taasan niyang ngalan. O Yahweh, na aming Panginoon, sa buong mundo'y tunay kang dakila! Iyong papuri'y abot sa langit! Pinupuri ka ng mga bata't bagong silang, ikaw ay nagtayo ng isang tanggulan, kaya't natahimik ang lahat ng iyong kaaway. Pinagmasdan ko ang langit na gawa ng iyong kamay, pati ang buwan at mga bituin na iyong inilagay. Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan; o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan? Nilikha mo siyang mababa sa iyo nang kaunti, pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati. Ginawa mo siyang pinuno ng lahat ng iyong nilikha, sa lahat ng mga bagay, siya ang iyong pinamahala: mga tupa at kawan pati na ang mababangis, lahat ng ibong lumilipad, at mga isda sa karagatan, at lahat ng nilikhang nasa karagatan. O Yahweh, na aming Panginoon, sa buong mundo'y tunay kang dakila! Pupurihin kita Yahweh, nang buong puso ko, mga kahanga-hangang ginawa mo'y ipahahayag ko. Dahil sa iyo, ako ay aawit na may kagalakan, pupurihin kita, O Diyos na Kataas-taasan. Makita ka lang ay umuurong na ang aking mga kaaway, sila'y nabubuwal at namamatay sa iyong harapan. Patas at makatarungan ka sa iyong paghatol, matuwid kong panig ay iyong ipinagtanggol. Binalaan mo ang mga bansa, nilipol ang masasama; binura mo silang lahat sa balat ng lupa. Ang mga kalaban nami'y naglaho nang lubusan, ang kanilang mga lunsod, iyo nang winakasan, at sa aming alaala'y nalimot nang tuluyan. Ngunit si Yahweh ay naghaharing walang putol, itinatag niya ang kanyang trono para sa paghahatol. Pinapamahalaan niya ang daigdig ayon sa katuwiran, hinahatulan niya ang mga bansa ayon sa katarungan. Si Yahweh ang takbuhan ng mga pinahihirapan, matibay na kanlungan sa oras ng kaguluhan. Nananalig sa iyo Yahweh, ang kumikilala sa iyong pangalan, dahil wala pang lumapit sa iyo na iyong tinanggihan. Kay Yahweh na hari ng Zion ay umawit tayo ng papuri, sa lahat ng bansa ang ginawa niya'y ipagbunyi! Inaalala ng Diyos ang mga nahihirapan, mga karaingan nila'y di niya nakakalimutan. O Yahweh, ako sana'y iyong kahabagan, masdan ang pahirap na dinaranas ko mula sa kaaway! Iligtas mo ako sa bingit ng kamatayan, upang sa harapan ng Lunsod ng Zion, aking isalaysay. Dahil sa iyong pagliligtas, papuri ko'y ibibigay. Nahulog ang mga bansa, sa patibong na gawa nila; sa bitag para sa akin, ang nahuli ay sila! Sa matuwid niyang hatol si Yahweh ay nagpakilala, at ang masasama'y nahuhuli sa mga bitag na gawa nila. (Higgaion, Selah ) Sa daigdig ng mga patay doon sila matatapos, pati ang lahat ng bansang nagtakwil sa Diyos. Hindi habang panahong pababayaan ang dukha; hindi na rin mawawala, pag-asa ng maralita. Huwag mong tulutan, Yahweh, na labanan ka ng mga tao! Tipunin mong lahat ang mga bansa at sila'y hatulan mo. Takutin mo, O Yahweh, ang lahat ng bayan, at iyong ipabatid na sila'y tao lamang. (Selah) O Yahweh, bakit masyado kang malayo? Sa panahon ng gulo, bakit ka nagtatago? Inaapi ang mga dukha ng palalo't walang-awa; nawa'y sila ang mahuli sa patibong nilang gawa. Ipinagyayabang ng masasama ang kanilang mga hangarin; si Yahweh ay nilalait at sinusumpa ng mga sakim. Ang sabi ng masasamang tao, “Diyos ay walang pakialam,” sabi nila'y “walang Diyos,” dahil sa kanilang kahambugan. Ang masasama'y palaging nagtatagumpay; ang hatol ng Diyos ay di nila nauunawaan, palagi nilang tinutuya ang kanilang mga kaaway. Sinasabi nila sa sarili, “Hindi kami mabibigo; kaguluhan sa buhay, hindi namin matatamo.” Namumutawi sa bibig nila'y sumpa, banta at pandaraya, dila nila'y laging handa sa marumi't masamang pananalita. Sa mga nayon sila'y nag-aabang, upang paslangin ang walang kamalay-malay. Para silang leon na nasa taguan, mga kawawang dukha'y inaabangan, hinuhuli ang mga ito sa kanilang bitag, at pagkatapos ay kinakaladkad. Dahan-dahan silang gumagapang, upang biktimahin ang mga mahihina. Ganito ang sabi ng masasama, “Ang Diyos ay walang pakialam! Mata niya'y nakapikit, di niya ako mapagmamasdan.” Gumising ka, O Yahweh, at ang masasama'y parusahan, silang mga naghihirap ay huwag mong kalimutan! Bakit hinahayaan ng Diyos na hamakin siya ng masasama, na nagsasabing ang parusahan sila'y di raw niya magagawa? Subalit nakikita mo ang hirap at kaapihan, at ikaw ay palaging handang dumamay. Ang mga kapus-palad ay sa iyo lang umaasa, sa tuwina'y sumasaklolo ka sa mga ulila. Mga braso ng masasama'y iyong baliin, parusahan mo sila't kasamaa'y sugpuin. Naghahari si Yahweh magpakailanpaman, mga bansang may ibang Diyos, sa lupa'y mapaparam. Papakinggan mo, Yahweh, ang dalangin ng mga hamak, patatatagin mo ang loob ng mga kapus-palad. Ipagtatanggol mo ang mga api at mga ulila, upang wala nang taong mananakot ng kapwa. Kay Yahweh ko isinalig ang aking kaligtasan, kaya't ang ganito'y huwag sabihin ninuman: “Lumipad kang tulad ng ibon patungo sa kabundukan, sapagkat ang pana ng masasama ay laging nakaumang, upang tudlain ang taong matuwid mula sa kadiliman. Ang mabuting tao'y mayroon bang magagawa, kapag ang mga pundasyon ng buhay ay nasira?” Si Yahweh ay naroon sa kanyang banal na Templo, doon sa kalangitan, nakaupo sa kanyang trono, at buhat doo'y pinagmamasdan ang lahat ng tao, walang maitatagong anuman sa gawa ng mga ito. Ang mabuti at masama ay kanyang sinusuri; sa taong suwail siya'y lubos na namumuhi. Pinauulanan niya ng apoy at asupre ang masasamang tao; at sa mainit na hangin sila'y kanyang pinapaso. Si Yahweh ay matuwid at sa gawang mabuti'y nalulugod; sa piling niya'y mabubuhay ang sa kanya'y sumusunod. O Yahweh, kami sana'y iligtas mo! Pagkat wala na ngayong mabuting tao, wala nang taong tapat at totoo. Nagsisinungaling silang lahat sa isa't isa, nagkukunwari at nagdadayaan sila. Patigilin mo, Yahweh, ang madaldal na dila, at sarhan ang bibig ng hambog magsalita; silang laging nagsasabi, “Kami'y magsasalita ng nais namin; at sa gusto nami'y walang makakapigil!” “Darating na ako,” sabi ni Yahweh, “Upang saklolohan ang mga inaapi. Sa pinag-uusig na walang magkupkop, hangad nilang tulong ay ipagkakaloob!” Ang mga pangako ni Yahweh ay maaasahan, ang katulad nila'y pilak na lantay; tinunaw sa hurnong hinukay, pitong beses na pinadalisay. Kami, Yahweh, ay lagi mong ingatan, sa ganitong mga tao ay huwag pabayaan; Ang masasamang tao'y nasa lahat ng lugar, ang mga gawang liko ay ikinararangal! Hanggang kailan, Yahweh, ako'y iyong lilimutin? Gaano katagal kang magtatago sa akin? Gaano katagal pa itong hapdi ng damdamin at ang lungkot sa puso kong gabi't araw titiisin? Kaaway ko'y hanggang kailan magwawagi sa akin? Yahweh, aking Diyos, tingnan mo ako at sagutin, huwag hayaang mamatay, lakas ko'y panumbalikin. Baka sabihin ng kaaway ko na ako'y kanilang natalo, at sila'y magyabang dahil sa pagbagsak ko. Nananalig ako sa pag-ibig mong wagas, magagalak ako dahil ako'y ililigtas. O Yahweh, ika'y aking aawitan, dahil sa iyong masaganang kabutihan. “Wala namang Diyos!” ang sabi ng hangal sa kanyang sarili. Silang lahat ay masasama, kakila-kilabot ang kanilang mga gawa; walang gumagawa ng mabuti, wala nga, wala! Nagmamasid si Yahweh mula sa itaas, sangkatauha'y kanyang sinisiyasat; tinitingnan kung may taong marunong pa, na sa kanya'y gumagalang at sumasamba. Silang lahat ay naligaw ng landas, at naging masasama silang lahat; walang gumagawa sa kanila ng tama, wala ni isa man, wala nga, wala! Ang tanong ni Yahweh: “Di ba nila alam, itong masasama, lahat na ba'y mangmang? Itong aking baya'y pinagnanakawan at akong si Yahweh ay ayaw dalanginan!” Darating ang araw na sila'y matatakot, sapagkat kakampi ng Diyos ang mga sa kanya'y sumusunod. Hadlangan man nila ang balak ng mga taong hamak, ngunit si Yahweh ang sa kanila'y mag-iingat. Ang aking hinihiling nawa ay dumating, mula sa Zion, ang kaligtasan ng Israel. Labis na magagalak ang bayang Israel, kapag muli silang pasaganain ni Yahweh. O Yahweh, sino kayang makakapasok sa iyong Templo? Sinong karapat-dapat sumamba sa iyong burol na sagrado? Ang taong masunurin sa iyo sa lahat ng bagay, at laging gumagawa ayon sa katuwiran, mga salita'y bukal sa loob at pawang katotohanan, at ang kapwa'y hindi niya sisiraan. Di siya gumagawa ng masama sa kanyang kaibigan, tungkol sa kapwa'y di nagkakalat ng kasinungalingan. Ang itinakwil ng Diyos ay di niya pinapakisamahan, mga may takot kay Yahweh, kanyang pinaparangalan. Sa pangakong binitiwan, siya'y laging tapat, anuman ang mangyari, salita'y tinutupad. Hindi nagpapatubo sa kanyang mga pinautang, di nasusuhulan para ipahamak ang walang kasalanan. Ang ganitong tao'y di matitinag kailanman. Ingatan mo sana ako, O Diyos, sa iyo ako nanganganlong at nagtitiwalang lubos. Ang sabi ko kay Yahweh, “Ikaw ang Panginoon ko, kabutihang tinatamasa ko, lahat ay mula sa iyo.” Mga lingkod ng Panginoon ay dakila't mararangal! Sila'y nagmumula sa iba't ibang bayan; ligaya ng sarili ang sila'y aking makapisan. Ang mga bumabaling sa ibang diyos, sulirani'y sunod-sunod, sa mga paghahandog nila'y hindi ako sasama; at sa kanilang mga diyos, ako'y hindi sasamba, hindi rin maglilingkod, ni pupuri sa kanila. Ikaw lamang, Yahweh, ang lahat sa aking buhay, lahat ng kailangan ko'y iyong ibinibigay, kinabukasan ko'y nasa iyong mga kamay. Mga kaloob mo sa akin ay kahanga-hanga, napakaganda ng iyong pamana! Pinupuri ko si Yahweh na sa aki'y pumapatnubay, at sa gabi, sa budhi ko siya ang gumagabay. Alam kong kasama ko siya sa tuwina; hindi ako matitinag pagkat kapiling siya. Kaya't ako'y nagdiriwang, puso't diwa ko'y nagagalak, hindi ako matitinag sapagkat ako'y panatag. Pagkat di mo tutulutang ang mahal mo ay masadlak, sa daigdig ng mga patay at doon ay maagnas. Ituturo mo ang landas na patungo sa buhay, sa piling mo'y madarama ang lubos na kagalakan; ang tulong mo'y nagdudulot ng ligayang walang hanggan. Pakinggan mo, Yahweh, ang sigaw ng katarungan, dinggin mo ako sa aking kahilingan; dalangin ko sana'y iyong pakinggan, sapagkat labi ko nama'y hindi nanlilinlang. Hahatol ka para sa aking panig, pagkat alam mo kung ano ang matuwid. Kaibuturan ng puso ko ay iyong nababatid, kahit sa gabi'y ikaw sa aki'y nagmamasid. Siniyasat mo ako at napatunayang matuwid, walang kasamaan maging sa aking bibig. Ang salita ko nga'y tapat, di tulad ng karamihan; tapat akong sumusunod sa utos mong ibinigay, ako ay umiiwas sa landas ng karahasan. Lagi kong nilalakaran ang iyong daan, hindi ako lumihis doon kahit kailan. Tumatawag ako sa iyo, O Diyos, sapagkat ako'y iyong sinasagot; kaya ngayo'y pakinggan mo ako at pansinin ang karaingan ko. Ipakita mo sa akin ang kahanga-hanga mong pagmamahal, at ang iyong kanang kamay ang sa aki'y umalalay. Ako'y bantayan mo, ang paborito mong anak, at palagi mong ingatan sa lilim ng iyong pakpak; mula sa kuko ng masasama ako'y iyong iligtas. Napapaligiran ako ng malulupit na kaaway, mayayabang magsalita, suwail at matatapang; saanman ako magpunta'y lagi akong sinusundan, naghihintay ng sandali na ako ay maibuwal. Para silang mga leon, na sa aki'y nag-aabang, mga batang leon na nakahandang sumagpang. Lumapit ka, O Yahweh, mga kaaway ko'y hadlangan, sa pamamagitan ng tabak, ako'y ipaglaban! Sa lakas ng iyong bisig ako'y iyong isanggalang, sa ganitong mga taong sagana ang pamumuhay. Ibagsak mo sa kanila ang parusang iyong laan, pati mga anak nila ay labis mong pahirapan at kanilang salinlahi sa galit mo ay idamay! Dahil ako'y matuwid, ang mukha mo'y makikita; at sa aking paggising, sa piling mo'y liligaya. O Yahweh, ika'y aking minamahal, ikaw ang aking kalakasan! Si Yahweh ang aking batong tanggulan, ang aking Tagapagligtas, Diyos at kanlungan, tagapag-ingat ko at aking sanggalang. Kay Yahweh ako'y tumatawag, sa aking mga kaaway ako'y inililigtas. Karapat-dapat purihin si Yahweh! Ginapos ako ng tali ng kamatayan; tinabunan ako ng alon ng kapahamakan. Nakapaligid sa akin ang panganib ng kamatayan, nakaumang sa akin ang bitag ng libingan. Kaya't si Yahweh ay aking tinawag; sa aking paghihirap, humingi ng habag. Mula sa kanyang Templo, tinig ko ay narinig, pinakinggan niya ang aking paghibik. Ang buong lupa ay nauga at nayanig, pundasyon ng mga bundok ay nanginig, sapagkat ang Diyos ay galit na galit! Lumabas ang usok sa kanyang ilong, mula sa kanyang bibig ay mga baga at apoy. Nahawi ang langit at siya'y bumabâ, makapal na ulap ang tuntungan niya. Sa isang kerubin siya ay sumakay; sa papawirin mabilis na naglakbay. Ang kadilima'y ginawa niyang takip, maitim na ulap na puno ng tubig. Gumuhit ang kidlat sa harapan niya, at mula sa ulap, bumuhos kaagad ang maraming butil ng yelo at baga. Nagpakulog si Yahweh mula sa langit, tinig ng Kataas-taasan, agad narinig. Dahil sa mga palaso na kanyang itinudla, ang mga kaaway ay nangalat sa lupa; nagsala-salabat ang guhit ng kidlat, lahat ay nagulo kaya't nagsitakas. Dahil sa galit mo, O Yahweh, sa ilong mo galing ang bugso ng hangin; kaya't ang pusod ng dagat ay nalantad, mga pundasyon ng lupa ay nahayag. Mula sa kalangitan, itong Panginoon, sa malalim na tubig, ako'y iniahon. Iniligtas ako sa kapangyarihan ng mga kaaway na di ko kayang labanan; Sinalakay nila ako noong ako'y naguguluhan, ngunit si Yahweh ang sa aki'y nagsanggalang. Nang nasa panganib, ako'y kanyang tinulungan, ako'y iniligtas sapagkat kanyang kinalulugdan! Pinagpapala ako ni Yahweh pagkat ako'y matuwid, binabasbasan niya ako dahil kamay ko'y malinis. Mga utos ni Yahweh ay aking sinunod, hindi ko tinalikuran ang aking Diyos. Lahat ng utos niya ay aking tinupad, mga batas niya ay hindi ko nilabag. Nalalaman niyang ako'y walang kasalanan, paggawa ng masama ay aking iniwasan. Kaya naman ako'y ginagantimpalaan niya, sapagkat alam niyang ako'y totoong walang sala. Tapat ka, O Diyos, sa mga tapat sa iyo, at napakabuti mo sa mabubuting tao. Ikaw ay mabait sa taong matuwid, ngunit sa masama, ikaw ay malupit. Ang mapagpakumbabá ay inililigtas mo, ngunit iyong ibinabagsak ang mga palalo. Ikaw, O Yahweh, ang nagbibigay sa akin ng ilaw; inaalis mo, O Diyos, ang aking kadiliman. Pinapalakas mo ako laban sa kaaway, upang tanggulan nito ay aking maagaw. Ang Diyos na ito ay sakdal ang gawa, at maaasahan ang kanyang salita! Siya ay kalasag ng mga umaasa, at ng naghahanap ng kanyang kalinga. Si Yahweh lamang ang Diyos na tunay; tanging Diyos lamang ang batong tanggulan. Ang Diyos na sa aki'y nagbibigay-lakas, sa daraanan ko'y siyang nag-iingat. Tulad ng usa, tiyak ang aking mga hakbang, inaalalayan niya ako sa mga kabundukan. Sinasanay niya ako sa pakikipagdigma, upang mabanat ko ang pinakamatigas na pana. Iniingatan mo ako at inililigtas; sa iyong pagkalinga, ako ngayo'y tanyag, sa iyong pagtulong, ako'y naging matatag. Inalalayan mo sa bawat paghakbang, ang mga paa ko'y ni hindi nadulas. Mga kaaway ko'y aking hinahabol, di ako tumitigil hanggang di sila nalilipol. Di sila makabangon kapag ako'y sumalakay; sa paanan ko'y bagsak sila at talunan. Pinapalakas mo ako para sa labanan, at pinagtatagumpay sa aking mga kaaway. Mga kaaway ko'y pinapaatras mo, mga napopoot sa akin ay pinupuksa ko. Humihingi sila ng saklolo ngunit walang tumutulong, tumatawag rin kay Yahweh ngunit hindi siya tumutugon. Dinurog ko sila, hanggang sa matulad sa pinong alikabok na ipinapadpad; aking itinapon, niyapak-yapakan kagaya ng putik sa mga lansangan. Sa mapanghimagsik na bayan ako'y iniligtas mo, sa maraming bansa'y ginawa mo akong pangulo. Ang aking nasasakupan ngayo'y marami na, kahit na nga sila ay hindi ko kilala. Sa bawat utos ko, sila'y sumusunod, maging mga dayuhan, sa aki'y yumuyukod. Nawawalan sila ng lakas ng loob, nanginginig papalabas sa kanilang muog. Buháy si Yahweh, Diyos ko't Tagapagligtas, matibay kong muog, purihin ng lahat! Ang kanyang kadakilaa'y ating ipahayag! Pinagtatagumpay niya ako sa mga kaaway, mga bansa'y ipinapailalim niya sa aking paanan; at inililigtas niya ako sa aking mga kalaban. Laban sa mararahas, ako'y pinagtatagumpay, sa aking kaaway, ika'y aking kalasag at patnubay. Sa lahat ng bansa ika'y aking pupurihin, ang karangalan mo'y aking aawitin, ang iyong pangalan, aking sasambahin. Dakilang tagumpay ibinibigay ng Diyos sa kanyang hari; tapat na pag-ibig ipinadarama niya sa kanyang pinili, kay David at sa lahat ng kanyang salinlahi. Ang kaluwalhatian ng Diyos ay ipinapahayag ng kalangitan! Ang ginawa ng kanyang kamay, ipinapakita ng kalawakan! Sa bawat araw at gabi, pahayag ay walang patlang, patuloy na nagbibigay ng dunong at kaalaman. Wala silang tinig o salitang ginagamit, wala rin silang tunog na ating naririnig; ngunit abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig, balita ay umaabot hanggang sa dulo ng daigdig. Gumawa ang Diyos sa langit ng tahanan para sa araw, tuwing umaga'y lumalabas ito na parang masayang kasintahan, tulad ng masiglang manlalaro na handang-handa sa takbuhan. Sa silangan sumisikat, lumulubog sa kanluran, walang nakapagtatago sa init nitong taglay. Ang batas ni Yahweh, walang labis walang kulang, ito'y nagbibigay sa tao ng panibagong kalakasan. Ang mga tuntunin ni Yahweh'y mapagkakatiwalaan, nagbibigay ng talino sa payak na isipan. Ang mga utos ni Yahweh ay makatuwiran, ito'y nagpapasaya ng puso at kalooban. Ang mga tagubilin ni Yahweh ay tama, nagbibigay sa isipan ng hustong pang-unawa. Paggalang at pagsunod kay Yahweh ay dalisay, magpapatuloy ito magpakailanman; ang mga hatol ni Yahweh ay tunay na makatarungan, patas at walang kinikilingan. Mas kanaisnais pa ito kaysa gintong lantay, mas matamis pa kaysa pulot ng pukyutan. Ang mga utos mo, Yahweh, ay babala sa iyong lingkod, may malaking gantimpala kapag aking sinusunod. Walang taong pumupuna sa sarili niyang kamalian, iligtas mo ako, Yahweh, sa lihim na kasalanan. Ilayo mo ang iyong lingkod sa mapangahas na kasalanan, huwag mong itulot na maghari sa akin ang kasamaan. Sa gayo'y mamumuhay akong walang kapintasan, at walang bahid ng masama ang aking mga kamay. Nawa'y ang mga salita ko at kaisipan, kaluguran mo, Yahweh, manunubos ko at kanlungan. Pakinggan ka sana ni Yahweh kapag ika'y nagdurusa! At ang Diyos ni Jacob ingatan ka sana. Mula sa Templo, ikaw sana'y kanyang tulungan, at mula sa Zion, ikaw ay kanyang alalayan. Ang handog mo nawa ay kanyang tanggapin, at pahalagahan niya ang lahat nang iyong haing susunugin. (Selah) Nawa'y ipagkaloob niya ang iyong hangarin, at sa iyong mga plano, ika'y pagtagumpayin. Sa pagtatagumpay mo kami ay magbubunyi, magpupuri sa Diyos sa aming pagdiriwang. Ibigay nawa ni Yahweh ang lahat mong kahilingan. Ngayon ko nalalaman na si Yahweh ang nagbigay, sa pinili niyang hari, ng kanyang tagumpay! Siya'y tinutugon niya mula sa kalangitan, mga dakilang tagumpay kanyang makakamtan. Mayroong umaasa sa karwaheng pandigma, at mayroon ding sa kabayo nagtitiwala; ngunit sa kapangyarihan ni Yahweh na aming Diyos, nananalig kami at umaasang lubos. Sila'y manghihina at tuluyang babagsak, ngunit tayo'y tatayo at mananatiling matatag. O Yahweh, ang hari'y iyong pagtagumpayin; ang aming panawagan, ay iyong sagutin. Natutuwa ang hari, Yahweh, dahil sa bigay mong lakas, dahil sa iyong tulong siya ay nagagalak. Iyong ibinigay ang kanyang inaasam, ipinagkaloob mo ang kanyang kahilingan. (Selah) Nilapitan mo siya't lubos na binasbasan, dalisay na gintong korona, sa ulo niya'y inilagay. Humiling siya ng buhay at iyong ibinigay, ng mahabang buhay, na magpakailanman. Dahil sa tulong mo, dakila ang kanyang karangalan, dangal at kadakilaan sa kanya'y iyong ibinigay. Pagpapala mo'y nasa kanya magpakailanman, ang iyong patnubay, dulot sa kanya'y kagalakan. Sa Kataas-taasang Diyos ang hari ay nagtitiwala, dahil sa tapat na pag-ibig ni Yahweh, di siya nababahala. Dadakpin ng hari ang lahat niyang mga kaaway, bibihagin niya ang bawat isa na sa kanya'y nasusuklam. Sa kanyang pagdating, sa apoy sila'y susunugin, sa galit ni Yahweh, sa apoy sila'y tutupukin. Walang matitira sa kanilang lahi, sapagkat sila'y lilipulin ng hari. Sa masasamang balak nilang gawin laban sa kanya, walang anumang magtatagumpay sa mga plano nila. Sila'y kanyang papanain, sila'y uurong at patatakbuhin. Pinupuri ka namin, Yahweh, sa taglay mong kalakasan! Aawit kami at magpupuri dahil sa iyong kapangyarihan. O Diyos ko! Diyos ko! Bakit mo ako pinabayaan? Sumisigaw ako ng saklolo, ngunit bakit di mo ako tinutulungan? Araw-gabi'y tumatawag ako sa iyo, O Diyos, di ako mapanatag, di ka man lang sumasagot. Ngunit ikaw ang Banal na pinaparangalan, at sa Israel ikaw ay pinapupurihan. Ang mga ninuno nami'y nagtiwala sa iyo, sa iyo umasa kaya sila'y iniligtas mo. Tumawag sila sa iyo at sa panganib ay nakawala, nagtiwala sila sa iyo at di naman sila napahiya. Ngunit ako'y parang uod at hindi na isang tao, hinahamak at pinagtatawanan ng kahit na sino! Pinagtatawanan ako ng bawat makakita sa akin, inilalabas ang kanilang dila at sila'y pailing-iling. Sabi nila, “Nagtiwala siya kay Yahweh; hayaang iligtas siya nito. Kung talagang mahal siya nito, darating ang kanyang saklolo!” Noong ako ay iluwal, Ikaw, O Diyos, ang patnubay, magmula sa pagkabata, ako'y iyong iningatan. Mula nang ako'y isilang, sa iyo na umaasa, mula nang ipanganak, ikaw lang ang Diyos na kilala. Huwag mo akong lilisanin, huwag mo akong iiwanan, pagkat walang sasaklolo sa papalapit na kapahamakan. Akala mo'y mga toro, ang nakapaligid na kalaban, mababangis na hayop na galing pa sa Bashan. Bibig nila'y nakabuka, parang mga leong gutom, umuungal at sa aki'y nakahandang lumamon. Parang natapong tubig, nawalan ako ng lakas, ang mga buto ko'y parang nagkalinsad-linsad; pinagharian ang dibdib ko ng matinding takot, parang kandila ang puso ko, natutunaw, nauubos! Itong aking lalamuna'y tuyong abo ang kagaya, ang dila ko'y dumidikit sa aking ngalangala, sa alabok, iniwan mo ako na halos patay na. Isang pangkat ng salarin, sa aki'y nakapaligid, para akong nasa gitna ng mga asong ganid; mga kamay at paa ko'y kanilang pinupunit. Kitang-kita ang lahat ng aking mga buto, tinitingnan at nilalait ng mga kaaway ko. Mga damit ko'y kanilang pinagsugalan, at mga saplot ko'y pinaghati-hatian. O Yahweh, huwag mo sana akong layuan! Ako ay tulungan at agad na saklolohan! Iligtas mo ako sa talim ng tabak, at sa mga asong sa aki'y gustong kumagat. Sa bibig ng mga leon ako'y iyong hanguin, sa sungay ng mga toro ako ay iyong sagipin. O Yahweh, panalangin ko sana'y dinggin. Mga ginawa mo'y ihahayag ko sa aking mga kababayan, sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan. Kayong lingkod ni Yahweh, siya'y inyong purihin! Kayong lahi ni Jacob, siya'y inyong dakilain, bayan ng Israel, luwalhatiin siya't sambahin! Mga dukha'y di niya pinababayaan at hinahamak, hindi siya umiiwas sa humihingi ng paglingap; sinasagot niya agad ang mga kapus-palad. Ginawa mo'y pupurihin sa dakilang kapulungan, sa harap ng masunurin, mga lingkod mong hinirang, ang panata kong handog ay doon ko iaalay. Ang naghihikahos ay sasagana sa pagkain, mga lumalapit kay Yahweh, siya'y pupurihin. Maging sagana nawa sila at laging pagpalain! Mga bansa sa lupa'y kay Yahweh magsisibaling, lahat ng mga lahi'y maaalala siya't sasambahin. Kay Yahweh nauukol ang pamamahala, naghahari siya sa lahat ng mga bansa. Magsisiluhod lahat ang palalo't mayayabang, yuyuko sa harap niya, mga taong hahatulan. Mga susunod na salinlahi'y maglilingkod sa kanya, ang tungkol sa Panginoon ay ipahahayag nila. Maging ang mga di pa isinisilang ay babalitaan, “Iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan.” Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang; pinapahimlay niya ako sa luntiang pastulan, at inaakay niya sa tahimik na batisan. Pinapanumbalik ang aking kalakasan, at pinapatnubayan niya sa tamang daan, upang aking parangalan ang kanyang pangalan. Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan, wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay. Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang. Ipinaghahanda mo ako ng salu-salo, na nakikita pa nitong mga kalaban ko; sa aking ulo langis ay ibinubuhos, sa aking saro, pagpapala'y lubus-lubos. Kabutiha't pag-ibig mo sa aki'y di magkukulang, siyang makakasama ko habang ako'y nabubuhay; at magpakailanma'y sa bahay ni Yahweh mananahan. Ang buong daigdig at ang lahat ng naroon, ang may-ari'y si Yahweh na ating Panginoon. Itinayo niya ang daigdig sa ibabaw ng karagatan, inilagay ang pundasyon sa mga tubig sa kalaliman. Sa burol ni Yahweh, sinong nararapat umahon? Sa banal niyang Templo, sinong dapat pumaroon? Ang taong malinis ang buhay pati ang isipan, hindi sumasamba sa mga diyus-diyosan; at hindi sumusumpa ng kasinungalingan. Bibigyan siya ni Yahweh ng pagpapala't kaligtasan, ipahahayag siya ng Diyos na walang kasalanan. Ganoon ang mga taong lumalapit sa Diyos, silang dumudulog sa Diyos ni Jacob. (Selah) Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan, buksan ninyo pati mga lumang pintuan, at ang dakilang hari'y papasok at daraan. Sino ba itong dakilang hari? Siya si Yahweh na malakas at makapangyarihan, si Yahweh, matagumpay sa labanan. Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan, buksan ninyo pati mga lumang pintuan, at ang dakilang hari'y papasok at daraan. Sino ba itong dakilang hari? Ang makapangyarihang si Yahweh, siya ang dakilang hari! (Selah) Sa iyo, Yahweh, dalangin ko'y ipinapaabot; sa iyo, O Diyos, ako'y tiwalang lubos. Huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan, at pagtawanan ako ng aking mga kaaway! Mga may tiwala sa iyo'y huwag malagay sa kahihiyan, at ang mga taksil sa iyo'y magdanas ng kasawian. Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kalooban, at ang iyong landas, sa akin ay ipaalam. Turuan mo akong mamuhay ayon sa katotohanan, sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan; sa buong maghapo'y ikaw ang inaasahan. Alalahanin mo, Yahweh, ang pag-ibig mong wagas, na ipinakita mo na noong panahong lumipas. Patawarin mo ako sa aking mga kasalanan, sa mga kamalian ko noong aking kabataan; ayon sa pag-ibig mong walang katapusan, ako sana, Yahweh, ay huwag kalimutan! Si Yahweh ay mabuti at siya'y makatarungan, itinuturo niya sa makasalanan ang tamang daan. Sa mapagpakumbabá siya ang gumagabay, sa kanyang kalooban kanyang inaakay. Tapat ang pag-ibig, siya ang patnubay, sa lahat ng mga taong sumusunod, sa utos at tipan siya'ng sumusubaybay. Ang iyong pangako, Yahweh, sana'y tuparin, ang marami kong sala'y iyong patawarin. Ang taong kay Yahweh ay gumagalang, matututo ng landas na dapat niyang lakaran. Ang buhay nila'y palaging sasagana, mga anak nila'y magmamana sa lupa. Sa mga masunurin, si Yahweh'y isang kaibigan, ipinapaunawa niya sa kanila, kanyang kasunduan. Si Yahweh lang ang laging inaasahan, na magliligtas sa akin sa kapahamakan. Lingapin mo ako, at ako'y kahabagan, pagkat nangungulila at nanlulupaypay. Pagaanin mo ang aking mga pasanin, mga gulo sa buhay ko'y iyong payapain. Alalahanin mo ang hirap ko at suliranin, at lahat ng sala ko ay iyong patawarin. Tingnan mo't napakarami ng aking kaaway, at labis nila akong kinamumuhian! Ipagtanggol mo ako't iligtas ang aking buhay, huwag tulutang ako'y malagay sa kahihiyan, pagkat kaligtasan ko'y sa iyo nakasalalay. Iligtas nawa ako ng kabutihan ko't katapatan, sapagkat ikaw ang aking pinagtitiwalaan. Hanguin mo, O Diyos, ang bayang Israel, sa kanilang kaguluhan at mga suliranin! Ipahayag mo ako, Yahweh, na walang sala, pagkat ako'y matuwid at sa iyo'y lubos na umaasa. Yahweh, ako'y siyasatin mo at subukin, hatulan mo ang iniisip at ang aking hangarin. Pag-ibig mong wagas ang aking patnubay, ang iyong katapatan ang lagi kong kaagapay. Di ako nakikisama sa walang kuwentang tao, hindi ako nakikiisa sa mga hipokrito. Ang nakikisama sa kanila ay aking kinamumuhian, at ang makihalo sa kanila'y aking iniiwasan. Kamay ko'y malinis pagkat ako'y walang kasalanan, ako'y lumalakad, Yahweh, sa paligid ng iyong altar. Awit ng pasasalamat ay aking inaawit, gawa mong kahanga-hanga, ay aking sinasambit. Mahal ko, Yahweh, ang Templo mong tahanan, sapagkat naroroon ang iyong kaluwalhatian. Sa parusa ng masasama, huwag mo akong idamay, ilayo rin sa parusa ng mahihilig sa pagpatay— mga taong walang magawâ kundi kasamaan, at palaging naghihintay na sila ay suhulan. Ngunit para sa akin, gagawin ko ang tama, kaya iligtas mo ako at sa akin ay maawa. Ako ay ligtas sa lahat ng kapahamakan; pupurihin ko si Yahweh sa gitna ng kapulungan! Si Yahweh ang ilaw ko at kaligtasan; sino pa ba ang aking katatakutan? Si Yahweh ang muog ng aking buhay, sino pa ba ang aking kasisindakan? Kung buhay ko'y pagtangkaan ng taong masasama, sila'y mga kalaban ko at mga kaaway nga, mabubuwal lamang sila at mapapariwara. Kahit isang hukbo ang sa aki'y pumalibot, hindi pa rin ako sa kanila matatakot; salakayin man ako ng mga kaaway, magtitiwala pa rin ako sa Maykapal. Kay Yahweh ay isang bagay lang ang aking hiniling, iisa lamang talaga ang aking hangarin: ang tumira sa Templo niya habang buhay, upang kagandahan ni Yahweh'y aking mapagmasdan, at doo'y humingi sa kanya ng patnubay. Itatago niya ako kapag may kaguluhan, sa loob ng kanyang Templo ako'y iingatan; sa ibabaw ng batong malaki ako'y ilalagay. Matatalo ko ang mga nakapaligid kong kaaway. Sa Templo'y sisigaw nang may kagalakan, habang mga handog ko'y iniaalay; aawitan ko si Yahweh at papupurihan. Pakinggan mo ako Yahweh, sa aking panawagan, sagutin mo ako at iyong kahabagan. Nang sabihin mo Yahweh, “Lumapit ka sa akin,” sagot ko'y, “Nariyan na ako at kita'y sasambahin.” Huwag ka sanang magagalit sa akin; ang iyong lingkod, huwag mo sanang palayasin. Tinulungan mo ako, Diyos ng aking kaligtasan, huwag mo po akong iwan, at huwag pabayaan! Itakwil man ako ng aking ama at ina, si Yahweh ang sa akin ay mag-aaruga. Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kagustuhan, sa ligtas na landas ako'y iyong samahan, pagkat naglipana ang aking mga kaaway. Sa mga kaaway ay huwag akong ipaubaya, na kung lumulusob ay mga pagbabanta at kasinungalingan ang dalang sandata. Naniniwala akong bago ako mamatay, kabutihan ni Yahweh'y aking masasaksihan. Kay Yahweh tayo'y magtiwala! Manalig sa kanya at huwag manghinawa. Kay Yahweh tayo magtiwala! Tagapagtanggol kong Yahweh, ako'y nananawagan, sana'y iyong pakinggan itong aking karaingan. Kung katugunan ay hindi mo ibibigay, para na rin akong nasa daigdig ng mga patay. Pakinggan mo sana ang paghingi ko ng saklolo, kapag itinataas ang kamay ko sa iyong banal na Templo. Huwag mo akong ibilang sa mga masasama, na pawang kalikuan ang mga ginagawa; kung magsalita'y parang mga kaibigan, ngunit sa puso'y may pagkamuhing taglay. Parusahan mo sila sa kanilang ginagawa, pagkat mga gawa nila'y pawang masasama. Parusa sa kanila'y iyong igawad, ibigay sa kanila ang hatol na dapat. Mga gawa ni Yahweh ay di nila pinapansin, mabubuti niyang gawa'y ayaw intindihin; kaya't sila'y kanyang pupuksain, at hindi na muling pababangunin. Si Yahweh ay dapat purihin! Dininig niya ang aking mga daing. Si Yahweh ang lakas ko at kalasag, tiwala ko'y sa kanya nakalagak. Tinutulungan niya ako at pinasasaya, sa awiti'y pinasasalamatan ko siya. Iniingatan ni Yahweh ang kanyang sambayanan; siya ang kanlungan ng kanyang haring hinirang. Iligtas mo, Yahweh, ang iyong bayan, ang mga sa iyo, ay iyong basbasan. Alagaan mo sila magpakailanman, tulad ng pastol sa kanyang kawan. Purihin ninyo si Yahweh, mga nilikha sa kalangitan, kilalanin ang kanyang lakas at kanyang kaluwalhatian. Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan, sambahin si Yahweh sa banal na kaayusan. Tinig ni Yahweh'y naririnig sa ibabaw ng dagat, ang dakilang Diyos ay nagpapakidlat, umaalingawngaw at naririnig ng lahat. Tinig ni Yahweh'y makapangyarihan, at punung-puno ng kadakilaan. Maging mga punong sedar ng Lebanon, sa tinig ni Yahweh, mawawasak ang mga iyon. Parang guyang pinalulundag niya ang mga bundok ng Lebanon, parang torong pinalulukso niya ang Bundok Hermon. Dahil sa tinig ni Yahweh, kidlat ay gumuguhit. Kapag siya'y nagsalita, disyerto'y nayayanig; inuuga niya pati ang ilang ng Kades. Sa tinig ni Yahweh, mga usa'y napapaanak, at nakakalbo pati ang mga gubat, lahat ng nasa Templo'y sumisigaw, “Ang Diyos ay papurihan!” Si Yahweh'y naghahari sa mga kalaliman, nakaupo sa trono, bilang hari kailanman. Si Yahweh ang nagbibigay-lakas sa kanyang bayan, at pinagpapala sila ng mapayapang buhay. Pinupuri kita, Yahweh, pagkat ako'y iyong iniligtas, mga kaaway ko'y di mo hinayaang magmataas. Sa iyo, Yahweh, aking Diyos, ako'y dumaing, at ako nama'y iyong pinagaling. Hinango mo ako mula sa libingan, at mula sa hukay, ako'y muli mong binuhay. Purihin si Yahweh, siya'y inyong awitan, ninyong bayang hinirang, siya ay pasalamatan, pasalamatan ninyo ang banal niyang pangalan! Ang kanyang galit, ito'y panandalian, ngunit panghabang-buhay ang kanyang kabutihan. Sa buong magdamag, luha ma'y pumatak, pagsapit ng umaga, kapalit ay galak. Sinabi ko sa sarili pagkat ako'y panatag, “Kailanma'y hindi ako matitinag.” Kay buti mo, Yahweh, ako'y iyong iningatan, tulad sa isang muog sa kabundukan. Ngunit natakot ako, nang ako'y iyong iwan. Sa iyo, Yahweh, ako'y nanawagan, nagsumamo na ako ay tulungan: “Anong halaga pa kung ako'y mamamatay? Anong pakinabang kung malibing sa hukay? Makakapagpuri ba ang mga walang buhay? Maipapahayag ba nila ang iyong katapatan? Pakinggan mo ako, Yahweh, at kahabagan, O Yahweh, ako po sana'y tulungan!” Pinawi mo itong aking kalungkutan, pinalitan mo ng sayaw ng kagalakan! Pagluluksa ko ay iyong inalis, kaligayahan ang iyong ipinalit. Aawit sa iyo ng papuri at hindi ako tatahimik, O Yahweh aking Diyos, pasasalamat ko'y walang patid. Lumalapit ako sa iyo, Yahweh, upang ingatan; huwag mo sana akong ilagay sa kahihiyan. Ikaw ay isang Diyos na makatuwiran, iligtas mo ako, ito'ng aking kahilingan. Ako'y iyong dinggin, iligtas ngayon din! Sana'y ikaw ang aking maging batong kublihan; matibay na kuta para sa aking kaligtasan. Ikaw ang aking kanlungan at sanggalang; ayon sa pangako mo, akayin ako't patnubayan. Iligtas mo ako sa nakaumang na patibong; laban sa panganib, sa iyo manganganlong. Sa iyong kamay, ipinagkakatiwala ko ang aking buhay. At sa aki'y ibibigay ang iyong kaligtasan; ikaw ay Diyos na mapagkakatiwalaan. Ikaw ay namumuhi sa mga sumasamba sa mga diyus-diyosang walang halaga, ngunit sa iyo, Yahweh, ako umaasa. Matutuwa ako at magagalak, dahil sa pag-ibig mong wagas. Paghihirap ko'y iyong nakikita, alam mo ang aking pagdurusa. Di mo ako hinayaan sa kamay ng kaaway; binigyan pa ng laya sa aking paglalakbay. O Yahweh, sana'y iyong kahabagan, sapagkat ako ay nasa kaguluhan; namamaga na ang mata dahil sa pagluha, buong pagkatao ko'y mahinang mahina! Pinagod ako ng aking kalungkutan, dahil sa pagluha'y umikli ang aking buhay. Pinanghina ako ng mga suliranin, pati mga buto ko'y naaagnas na rin. Nilalait ako ng aking mga kaaway, hinahamak ako ng mga kapitbahay; mga dating kakilala ako'y iniiwasan, kapag ako'y nakasalubong ay nagtatakbuhan. Para akong patay na kanilang nakalimutan, parang sirang gamit na hindi na kailangan. Maraming mga banta akong naririnig, mula sa mga kaaway sa aking paligid; may masama silang binabalak sa akin, plano nilang ako ay patayin. Subalit sa iyo, Yahweh, ako'y nagtitiwala, ikaw ang aking Diyos na dakila! Ikaw ang may hawak nitong aking buhay, iligtas mo ako sa taga-usig ko't mga kaaway. Itong iyong lingkod, sana ay lingapin, sa wagas mong pag-ibig ako ay sagipin. Sa iyo, Yahweh, ako'y nananawagan, huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan. Ang masasamang tao ang dapat na mapahiya, sa daigdig ng mga patay, tahimik silang bababâ. Patahimikin mo ang mga sinungaling, ang mga palalong ang laging layunin, ang mga matuwid ay kanilang hamakin. Kay sagana ng mabubuting bagay, na laan sa mga sa iyo'y gumagalang. Nalalaman ng lahat ang iyong kabutihang-loob, matatag ang pag-iingat sa nagtitiwala sa iyong lubos. Iniingatan mo sila at kinakalinga, laban sa balak ng taong masasama; inilalagay mo sila sa ligtas na kublihan, upang hindi laitin ng mga kaaway. Purihin si Yahweh! Kahanga-hanga ang ipinakita niyang pag-ibig sa akin, nang ako'y nagigipit at parang lunsod na sasalakayin! Ako ay natakot, labis na nangamba, sa pag-aakalang ako'y itinakwil na. Ngunit dininig mo ang aking dalangin, nang ang iyong tulong ay aking hingin. Mahalin ninyo si Yahweh, kayong kanyang bayan. Mga tapat sa kanya, ay kanyang iniingatan, ngunit ang palalo'y pinaparusahan ng angkop sa kanilang kasalanan. Magpakatatag kayo at lakasan ang loob, kayong kay Yahweh'y nagtitiwalang lubos. Mapalad ang taong pinatawad na ang kasalanan, at pinatawad rin sa kanyang mga pagsalangsang. Mapalad ang taong hindi pinaparatangan, sa harap ni Yahweh'y hindi siya nanlinlang. Nang hindi ko pa naihahayag ang aking mga sala, ako'y nanghina sa maghapong pagluha. Sa araw at gabi, ako'y iyong pinarusahan, wala nang natirang lakas sa katawan, parang hamog na natuyo sa init ng tag-araw. (Selah) Kaya't ang kasalanan ko'y aking inamin; mga pagkakamali ko'y hindi na inilihim. Ako'y nagpasyang sa iyo'y ipagtapat, at mga sala ko'y pinatawad mong lahat. (Selah) Kaya ang tapat sa iyo ay dapat manalangin, sa oras ng kagipitan, ikaw ang tawagin, at sa bugso ng baha'y di sila aabutin. Ikaw ang aking lugar na kublihan; inililigtas mo ako sa kapahamakan. Aawitin ko nang malakas, pag-iingat mo't pagliligtas. (Selah) Ang sabi ni Yahweh, “Aakayin kita sa daan, tuturuan kita at laging papayuhan. Huwag kang tumulad sa kabayo, o sa mola na walang pang-unawa, na upang sumunod lang ay hahatakin pa ang renda.” Labis na magdurusa ang taong masama, ngunit ang tapat na pag-ibig ni Yahweh ang mag-iingat sa sinumang nagtitiwala sa kanya. Lahat ng tapat kay Yahweh, magalak na lubos, dahil sa taglay nilang kabutihan ng Diyos; sumigaw sa galak ang lahat ng sa kanya'y sumusunod! Lahat ng matuwid dapat na magsaya, dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila; kayong masunuri'y magpuri sa kanya! Ang Diyos na si Yahweh ay pasalamatan, tugtugin ang alpa't awit ay saliwan; Isang bagong awit, awiting malakas, kasaliw ang tugtog ng alpang marilag! Si Yahweh ay tapat sa kanyang salita, at maaasahan ang kanyang ginawa. Ang nais niya ay kat'wira't katarungan, ang pag-ibig niya sa mundo'y laganap. Sa utos ni Yahweh, nalikha ang langit, ang araw, ang buwa't talang maririkit; sa iisang dako, tubig ay tinipon, at sa kalaliman ay doon kinulong. Matakot kay Yahweh ang lahat sa lupa! Dapat katakutan ng buong nilikha! Ang buong daigdig, kanyang nilikha, sa kanyang salita, lumitaw na kusa. Ang binabalangkas niyong mga bansa, kanyang nababago't winawalang-bisa. Ngunit ang mga panukala ni Yahweh, hindi masisira, ito'y mananatili. Mapalad ang bansang si Yahweh ang Diyos; mapalad ang bayang kanyang ibinukod. Magmula sa langit, kanyang minamasdan ang lahat ng tao na kanyang nilalang. Nagmamasid siya at namamahala sa lahat ng tao sa balat ng lupa. Ang isip nila'y sa kanya nagmula walang nalilingid sa kanilang gawa. Di dahil sa hukbo, hari'y nagtagumpay, ni dahil sa lakas, nagwagi ang kawal; kabayong pandigma'y di na kailangan, upang sa digmaa'y kamtin ang tagumpay; di makakapagligtas, lakas nilang taglay. Ang nagmamahal kay Yahweh, at nagtitiwala sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga. Hindi hahayaang sila ay mamatay, kahit magtaggutom sila'y binubuhay. Tanging si Yahweh lang ang ating pag-asa; tulong na malaki at sanggalang siya. Dahil nga sa kanya, kami'y natutuwa; sa kanyang pangalan ay nagtitiwala. Ipagkaloob mo na aming makamit, O Yahweh, ang iyong wagas na pag-ibig, yamang ang pag-asa'y sa iyo nasasalig! Sa lahat ng pagkakataon si Yahweh ay aking pupurihin; pagpupuri ko sa kanya'y hindi ko papatigilin. Aking pupurihin kanyang mga gawa, kayong naaapi, makinig, matuwa! Ang kadakilaan niya ay ihayag, at ang ngalan niya'y purihin ng lahat! Ang aking dalangi'y dininig ng Diyos, inalis niya sa akin ang lahat kong takot. Nagalak ang aping umasa sa kanya, pagkat di nabigo ang pag-asa nila. Tumatawag sa Diyos ang walang pag-asa, sila'y iniligtas sa hirap at dusa. Anghel ang siyang bantay sa may takot sa Diyos, sa mga panganib, sila'y kinukupkop. Tingnan mo at lasapin ang kabutihan ni Yahweh; mapalad ang mga taong nananalig sa kanya. Matakot kay Yahweh, kayo na kanyang bayan, nang makamtan ninyo ang lahat ng bagay. Kahit mga leon ay nagugutom din, sila'y nagkukulang sa hustong pagkain; ngunit ang sinumang kay Yahweh ay sumunod, mabubuting bagay, sa kanya'y di mauudlot. Lapit, ako'y dinggin mga kaibigan, at kayo ngayo'y aking tuturuan na si Yahweh ay dapat sundi't igalang. Sinong may gusto ng mahabang buhay; sinong may nais ng masaganang buhay? Dila mo'y pigilan sa paghabi ng kasamaan. Mabuti ang gawi't masama'y layuan pagsikapang kamtin ang kapayapaan. Mga mata ni Yahweh, sa mat'wid nakatuon, sa kanilang pagdaing, lagi siyang tumutugon. Sa mga masasama, siya'y tumatalikod, at sa alaala, sila'y mawawala. Agad dinirinig daing ng matuwid; inililigtas sila sa mga panganib. Tinutulungan niya, mga nagdurusa at di binibigo ang walang pag-asa. Ang taong matuwid, may suliranin man, sa tulong ni Yahweh, agad maiibsan. Kukupkupin siya nang lubus-lubusan, kahit isang buto'y hindi mababali. Ngunit ang masama, ay kasamaan din sa taglay na buhay ang siyang kikitil. Mga lingkod niya'y kanyang ililigtas, sa nagpapasakop, siya ang mag-iingat! Ang mga salungat at laban sa akin, O Yahweh, sila ay iyo ngang digmain! Ang iyong kalasag at sandatang laan, kunin mo at ako po ay iyong tulungan. Dalhin mo ang iyong palakol at sibat, at sila'y tugisin hanggang sa mautas. Sabihin mong ikaw ang Tagapagligtas ng abang lingkod mo, O Diyos na marilag! Silang nagnanasang ako ay patayin ay iyong igupo at iyong hiyain; at ang nagtatangkang lumaban sa akin, hadlangan mo sila at iyong lituhin. Gawing parang ipa na tangay ng hangin, habang tinutugis ng sinugong anghel. Hayaang magdilim, dumulas ang landas, ang anghel ni Yahweh, sa kanila'y wawasak. Ni walang dahilan, ang hangad sa akin ako ay ihulog sa balong malalim, na ginawa nila upang ako'y dakpin. Hindi nila alam sila'y mawawasak, sila'y mahuhulog sa sariling bitag; sa hinukay nilang balon, sila'y lalagpak. Dahilan kay Yahweh, ako'y magagalak; sa habag sa akin ako'y iniligtas. Buhat sa puso ko'y aking ihahayag, “Tunay ikaw, Yahweh, ay walang katulad! Iniingatan mo laban sa malakas, ang mga mahihina't taong mahihirap, at sa nang-aapi, sila'y ililigtas.” Ang mga masama'y nagpapatotoo, at nagpaparatang ng hindi totoo, sa pagkakasalang walang malay ako. Sa gawang mabuti, ganti ay masama; nag-aabang sa akin at nagbabanta. Kapag sila'y may sakit, ang ginagawa ko, nagdaramit-luksa at nag-aayuno; at nananalangin na yuko ang ulo. Para bang ang aking idinadalangin ay isang kapatid na mahal sa akin; Lumalakad ako na ang pakiramdam, wari'y inulila ng ina kong mahal. Nagagalak sila kapag ako'y may dusa; sa aking paligid nagtatawanan pa. Binubugbog ako ng di kakilala, halos walang tigil na pagpaparusa. Natutuwa silang ako'y maghinagpis; sa galit sa akin, ngipi'y nagngangalit. Hanggang kailan pa kaya, O Yahweh, maghihintay ako sa mahal mong tulong? Iligtas mo ako sa ganid na leon; sa paglusob nila't mga pagdaluhong. At sa gitna niyong mga kapulungan, ikaw, O Yahweh, pasasalamatan; pupurihin kita sa harap ng bayan. Huwag mong tutulutang ang mga kaaway, magtawanan sa aking mga kabiguan; gayon din ang may poot nang walang dahilan, magalak sa aking mga kalumbayan. Sila, kung magwika'y totoong mabagsik, kasinungalingan ang bigkas ng bibig, at ang ginigipit, taong matahimik. Ang paratang nila na isinisigaw: “Ang iyong ginawa ay aming namasdan!” Ngunit ikaw, Yahweh, ang nakababatid, kaya, Panginoon, huwag kang manahimik; ako'y huwag mong iiwan sa paghihinagpis! Ikaw ay gumising, ako'y ipagtanggol, iyong ipaglaban ako, Panginoon. O Yahweh aking Diyos, sadyang matuwid ka, kaya ihayag mong ako'y walang sala; huwag mong ipahintulot sa mga kaaway, na sila'y magtawa kung ako'y mamasdan. Huwag mong pabayaang mag-usap-usapan, at sabihing: “Aba! Gusto nami'y ganyan!” Huwag mong itutulot na sabihin nilang: “Siya ay nagapi namin sa labanan!” Silang nagagalak sa paghihirap ko, lubos mong gapii't bayaang malito; silang nagpapanggap namang mas mabuti, hiyain mo sila't siraan ng puri. Ang nangagsasaya, sa aking paglaya bayaang palaging sumigaw sa tuwa; “Dakila si Yahweh, tunay na dakila; sa aking tagumpay, siya'y natutuwa.” Aking ihahayag ang iyong katuwiran, sa buong maghapon ay papupurihan! Kasalana'y nangungusap sa puso ng masasama, sa kaibuturan ng puso doon ito nagwiwika; tumatanggi sa Diyos at ni takot ito'y wala. Ang palagay sa sarili, siya'y isang dakila na; ang akala'y hindi batid ni Yahweh ang kanyang sala, kaya't kanyang iniisip, hindi siya magdurusa. Kung mangusap ay masama at ubod nang sinungaling; dahop na ang karunungan sa paggawa ng magaling. Masama ang binabalak samantalang nahihimlay, masama rin ang ugali, at isa pang kasamaa'y ang laging inaakap ay gawaing mahahalay. Ang wagas na pag-ibig mo, O Yahweh, ay walang hanggan, at ang iyong katapatan ay abot sa kalangitan. Matuwid at matatag ka na tulad ng kabundukan; ang matuwid na hatol mo'y sinlalim ng karagatan; ang lahat ng mga tao't mga hayop na nilalang, sa tuwina'y kinukupkop ng mapagpala mong kamay. O Diyos, ang iyong pag-ibig mahalaga at matatag, ang kalinga'y nadarama sa lilim ng iyong pakpak. Sa pagkain ay sagana sa sarili mong tahanan; doon sila umiinom sa batis ng kabutihan. Sa iyo rin nagmumula silang lahat na may buhay, ang liwanag na taglay mo ang sa amin ay umaakay. Patuloy mong kalingain ang sa iyo'y umiibig, patuloy mong pagpalain ang may buhay na matuwid. Ang palalo'y huwag tulutan na ako ay salakayin, o ang mga masasamang gusto akong palayasin. Lahat silang masasama'y masdan ninyo at nagupo! Sa kanilang binagsakan, hindi sila makatayo. Huwag kang mabalisa dahil sa masama; huwag mong kainggitan liko nilang gawa. Katulad ng damo, sila'y malalanta, tulad ng halaman, matutuyo sila. Umasa ka sa Diyos, ang mabuti'y gawin, at mananahan kang ligtas sa lupain. Kay Yahweh mo hanapin ang kaligayahan, at ang pangarap mo'y iyong makakamtan. Ang iyong sarili'y sa kanya italaga, tutulungang ganap kapag ika'y nagtiwala. Ang kabutihan mo ay magliliwanag, katulad ng araw kung tanghaling-tapat. Sa harap ni Yahweh ay pumanatag ka, maging matiyagang maghintay sa kanya; huwag mong kainggitan ang gumiginhawa, sa likong paraan, umunlad man sila. Huwag kang mapopoot ni mababalisa, iyang pagkagalit, iwasan mo sana; walang kabutihang makakamtan ka. Ang nagtitiwala kay Yahweh, mabubuhay, ligtas sa lupain at doon tatahan, ngunit ang masama'y ipagtatabuyan. Hindi magtatagal, sila'y mapaparam, kahit hanapin mo'y di masusumpungan. Tatamuhin ng mga mapagpakumbabá, ang lupang pangako na kanyang pamana; at sa lupang iyon na napakasagana, ang kapayapaa'y matatanggap nila. Ang taong masama'y laban sa matuwid, napopoot siyang ngipi'y nagngangalit. Si Yahweh'y natatawa lang sa masama, pagkat araw nila lahat ay bilang na. Taglay ng masama'y pana at patalim, upang ang mahirap dustai't patayin, at ang mabubuti naman ay lipulin. Ngunit sa sariling tabak mamamatay, pawang mawawasak pana nilang taglay. Higit na mabuti ang may kakaunti ngunit matuwid at walang kinakanti, kaysa kayamanan nitong masasama, pagsamahin mang lahat, ito'y bale-wala. Lakas ng masama ay aalisin, ngunit ang matuwid ay kakalingain. Iingatan ni Yahweh ang taong masunurin, ang lupang minana'y di na babawiin. Kahit na sumapit ang paghihikahos, di daranasin ang pagdarahop. Ngunit ang masama'y pawang mamamatay; kalaban ni Yahweh, tiyak mapaparam, tulad ng bulaklak at mga halaman; para silang usok na paiilanlang. Anumang hiramin ng taong masama, di na ibabalik sa kanyang kapwa, ngunit ang matuwid na puso'y dakila, ang palad ay bukás at may pang-unawa. Lahat ng mga taong pinagpala ni Yahweh, lupang masagana, kanilang bahagi; ngunit ang sinuman na kanyang sumpain, sa lupaing iyon ay palalayasin. Ang gabay ng tao sa kanyang paglakad, ay itong si Yahweh, kung nais maligtas; sa gawain niya, ang Diyos nagagalak. Kahit na mabuwal, siya ay babangon, pagkat si Yahweh, sa kanya'y tutulong. Mula pagkabata't ngayong tumanda na, sa tanang buhay ko'y walang nabalita na sa taong tapat, ang Diyos nagpabaya; o ang anak niya'y naging hampas-lupa. Sa lahat ng oras, bukás pa ang palad sa pagkakaloob sa mga mahirap; pagpapala'y laan ng kanilang mga anak. Masama'y itakwil, mabuti ang gawin, upang manahan kang lagi sa lupain. Ang lahat ng taong wasto ang gawain, ay mahal ni Yahweh, hindi itatakwil. Sila'y iingatan magpakailanman, ngunit ang masama ay ihihiwalay. Ang mga matuwid, ligtas na titira, at di na aalis sa lupang pamana. Sa bibig ng matuwid namumutawi'y karunungan; at sa labi nila'y pawang katarungan. Ang utos ng Diyos ang laman ng puso, sa utos na ito'y hindi lumalayo. Ang taong masama'y laging nag-aabang, sa taong matuwid nang ito'y mapatay; ngunit hindi naman siya hahayaang mahulog sa kamay ng mga kaaway; di rin magdurusa kahit paratangan. Manalig ka kay Yahweh, utos niya'y sundin; ikaw ay lalakas upang ang lupain ay kamtin, at ang mga taksil makikitang palalayasin. Ako'y may nakitang taong abusado, itaas ang sarili ang kanyang gusto; kahoy sa Lebanon ang tulad nito. Lumipas ang araw, ang aking napuna, nang ako'y magdaan, ang tao'y wala na; hinanap-hanap ko'y di ko na makita. Ang taong matuwid ay inyong pagmasdan, mapayapang tao'y patuloy ang angkan. Ngunit wawasaking lubos ang masama, lahi'y lilipulin sa balat ng lupa. Ililigtas ni Yahweh ang mga matuwid, iingatan sila kapag naliligalig. Sasaklolohan sila't kanyang tutulungan laban sa masama, ipagsasanggalang; sapagkat si Yahweh ang kanilang sandigan. Yahweh, huwag mo po akong kagalitan! O kung galit ka ma'y huwag pong parusahan. Ang iyong palaso'y tumama sa akin; at iyong mga kamay, hinampas sa akin. Ako'y nilalagnat dahil sa iyong galit; dahil sa sala ko ako'y nagkasakit. Ako'y nalulunod sa taglay kong sala, sa dinami-rami ay para nang baha; mabigat na lubha itong aking dala. Malabis ang paglala nitong aking sugat, dahil ginawa ko ang hindi nararapat; Wasak at kuba na ang aking katawan; sa buong maghapo'y puspos ng kalungkutan. Dumapong lagnat ko'y apoy na sa init, lumulubhang lalo ang taglay kong sakit. Ako'y nanghihina at nanlulupaypay, puso'y dumaraing sa sakit na taglay. O Yahweh, hangad ko'y iyong nababatid; ang mga daing ko'y iyong dinirinig. Ang aking puso ay mabilis ang tibok, ang taglay kong lakas, pumapanaw na halos; ningning ng mata ko'y pawa nang naubos. Mga kaibiga't mga kapitbahay ay nagsisilayo, ayaw nang dumalaw dahil sa sugat ko sa aking katawan; lumalayo pati aking sambahayan. Silang nagnanais na ako'y patayin, nag-umang ng bitag upang ako'y dakpin; ang may bantang ako'y saktan at wasakin, maghapon kung sila'y mag-abang sa akin. Para akong bingi na di makarinig, at para ring pipi na di makaimik; sa pagsasanggalang ay walang masabi, walang marinig katulad ng isang bingi. Ngunit saiyo, Yahweh, ako'y may tiwala, aking Diyos, ika'y tiyak na tutugon. Aking panalangin, iyong pakinggan, itong mga hambog, huwag mong hayaan, sa aking kabiguan, sila'y magtawanan. Sa pakiramdam ko, ako'y mabubuwal, mahapdi't makirot ang aking katawan. Aking ihahayag ang kasalanan ko, mga kasalanang sa aki'y gumugulo. Mga kaaway ko'y malakas, masigla; wala mang dahila'y namumuhi sila. Ang ganting masama ang sukli sa akin, dahil sa hangad kong buhay ko'y tuwirin. Panginoong Yahweh, huwag akong iiwan; maawaing Diyos, huwag akong layuan; aking Panginoon, aking kaligtasan, iyo ngang dalian, ako ay tulungan! Ang sabi ko sa sarili, sa gawai'y mag-iingat, at hindi ko hahayaang ang dila ko ay madulas; upang hindi magkasala, ako'y di magsasalita habang nakapalibot, silang mga masasama. Ako'y sadyang nanahimik, wala akong sinasabi, hindi ako nagsalita maging tungkol sa mabuti; ngunit lalo pang lumubha paghihirap ng sarili. Ako'y lubhang nabahala, nangangamba ang puso ko, habang aking iniisip, lalo akong nalilito; nang di ako makatiis, ang sabi ko ay ganito: “Yahweh, sana'y sabihin mo kung kailan mamamatay, kung gaanong katagal pa kaya ako mabubuhay.” Ang damdam ko sa sarili'y pinaikli mo ang buhay, sa harap mo ang buhay ko'y parang walang kabuluhan; ang buhay ng bawat tao'y parang hanging dumaraan. (Selah) Ang buhay ng isang tao'y parang anino nga lamang, at maging ang gawa niya ay wala ring kasaysayan; hindi batid ang kukuha ng tinipon niyang yaman! Kung ganoon, Panginoon, nasaan ba ang pag-asa? Pag-asa ko'y nasa iyo, sa iyo ko nakikita. Kaya ngayo'y iligtas mo, linisin sa aking kasalanan; ang hangal ay huwag bayaan na ako'y pagtawanan. Tunay akong tatahimik, wala akong sasabihin, pagkat lahat ng dinanas, pawang dulot mo sa akin. Huwag mo akong parusahan, parusa mo ay itigil; sa hampas na tinatanggap ang buhay ko'y makikitil. Kung ang tao'y magkasala, ang parusa mo ay galit; parang isang gamu-gamong pinatay ang iniibig; tunay na ang isang tao'y hangin lamang ang kaparis! (Selah) Pakinggan mo ako, Yahweh, dinggin ang aking hibik; sa daing ko't panalangin, huwag ka sanang manahimik. Sa iyong piling ay dayuhan, ako'y hindi magtatagal, at tulad ng ninuno ko, sa daigdig ay lilisan. Sa ganitong kalagayan, huwag na akong kagalitan, upang muling makalasap kahit konting kasiyahan, bago man lang mamayapa't makalimutan ng lahat. Sa Diyos na si Yahweh, mat'yagang naghintay, ang aking panaghoy, kanyang pinakinggan; sa balong malalim na lubhang maputik, iniahon niya at doo'y inalis. Ligtas na dinala sa malaking bato, at naging panatag, taglay na buhay ko. Isang bagong awit, sa aki'y itinuro, papuri sa Diyos, ang awit ng puso; matatakot ang bawat makakasaksi, at magtitiwala sa Diyos na si Yahweh. Mapalad ang taong, kay Yahweh'y tiwala, at sa diyus-diyosa'y hindi dumadapa; hindi sumasama sa nananambahan, sa mga nagkalat na diyus-diyosan. Yahweh aking Diyos, wala kang katulad sa maraming bagay na iyong ginanap; kung pangahasan kong sabihin ang lahat, nangangamba akong may makalimutan. Ang mga pang-alay, pati mga handog, at ang mga hayop na handang sunugin, hindi mo na ibig sa dambana dalhin, handog na sinusunog at mga kaloob hindi mo naisin, upang sala'y iyong patawarin. Sa halip, ang iyong kaloob sa akin ay pandinig ko upang ika'y dinggin. Kaya ang tugon ko, “Ako'y naririto; nasa Kautusan ang mga turo mo. Ang nais kong sundi'y iyong kalooban; aking itatago sa puso ang aral.” Ang pagliligtas mo'y aking inihayag, saanman magtipon ang iyong mga anak; di ako titigil ng pagpapahayag. Ang pagliligtas mo'y ipinagsasabi, di ko inilihim, hindi ko sinarili; pati pagtulong mo't pag-ibig na tapat, sa mga lingkod mo'y isinisiwalat. Aking nalalamang di mo puputulin, Yahweh, ang iyong pagtingin sa akin; wagas mong pag-ibig at iyong katapatan, mag-iingat sa akin magpakailanpaman. Kay rami na nitong mga suliranin, na sa karamiha'y di kayang bilangin. Alipin na ako ng pagkakasala, na sa dami, ako'y di na makakita; higit pa ang dami sa buhok sa ulo, kaya nasira na pati ang loob ko. Nawa ay kalugdan, na ako'y tulungan! Yahweh, ngayon na, ako'y pakinggan. Nawa ang may hangad na ako'y patayin, bayaang malito't ganap na talunin. Yaong nagagalak sa suliranin ko, hiyain mo sila't bayaang malito! Silang nangungutya sa aki'y bayaang manlumo nang labis, nang di magtagumpay! Silang lumalapit sa iyo'y dulutan ng ligaya't galak na walang kapantay; bayaang sabihing: “Si Yahweh ay Dakila!” ng nangaghahangad maligtas na kusa. Ako ma'y mahirap at maraming kailangan, subalit hindi mo kinalilimutan. Ikaw ang tulong ko, at tagapagligtas— Yahweh aking Diyos, huwag ka nang magtagal! Mapalad ang isang taong tumutulong sa mahirap, si Yahweh ang kakalinga kung siya nama'y mabagabag. Buhay niya'y iingatan, si Yahweh lang ang may hawak, sa kamay man ng kaaway, hindi siya masasadlak, at doon sa bayan niya'y ituturing na mapalad. Si Yahweh rin ang tutulong kung siya ay magkasakit, ang nanghina niyang lakas ay ganap na ibabalik. Ang pahayag ko kay Yahweh, “Tunay akong nagkasala, iyo akong pagalingin, sa akin ay mahabag ka!” Yaong mga kaaway ko, ang palaging binabadya, “Kailan ka mamamatay, ganap na mawawala?” Yaong mga dumadalaw sa akin ay hindi tapat; ang balitang masasama ang palaging sinasagap, at saan ma'y sinasabi upang ako ay mawasak. Ang lahat ng namumuhi'y ang lagi nilang usapan, ako raw ay ubod sama, ang panabi sa bulungan. Ang sakit ko, sabi nila, ay wala nang kagamutan, hindi na makakabangon sa banig ng karamdaman. Lubos akong nagtiwala sa tapat kong kaibigan kasalo ko sa tuwina karamay sa anuman; ngunit ngayon, lubos siyang naging taksil na kalaban. Sa akin ay mahabag ka, Yahweh, ako'y kaawaan; ibalik mo ang lakas ko't kaaway ko'y babalingan. Kung ikaw ay nalulugod, ganito ko malalaman, sa aki'y di magwawagi kahit sino ang kaaway. Tulungan mo ako ngayon, yamang ako'y naging tapat. Sa piling mo ay patuloy na ingatan akong ganap. Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel! Purihin siya, ngayon at magpakailanman! Amen! Amen! Kung paanong batis ang siyang hanap ng isang usa; gayon hinahanap ang Diyos ng uhaw kong kaluluwa. Nananabik ako sa Diyos, sa Diyos na buháy, walang iba; kailan kaya maaaring sa presensya mo'y sumamba? Araw-gabi'y tumataghoy, gabi't araw tumatangis; naging tanging pagkain ko'y mga luha sa paghibik. Itong mga kaaway ko, sa tuwina'y yaong sambit, “Nasaan ba ang iyong Diyos? Hindi namin namamasid.” Nagdurugo ang puso ko, kapag aking maalala ang lumipas na kahapong lagi kaming sama-sama, papunta sa templo ng Diyos na ako ang nangunguna; pinupuri namin ang Diyos sa pag-awit na masaya! Bakit ako nanlulumo, bakit ako nagdaramdam? Sa Diyos ako may tiwala, siyang aking aasahan; Diyos na Tagapagligtas, muli ko siyang aawitan. Siya ay gugunitain ng puso kong tigib-hirap, habang ako'y nasa Jordan, sa Hermon, at sa Mizar di ko siya malilimot, gugunitain oras-oras. Ang dagat na kalaliman pakinggan at umuugong, at doon ay maririnig, lagaslas ng mga talon; ang katulad: nagagalit, malalaking mga alon, na sa aking kaluluwa ay ganap na tumatabon. Nawa ang pag-ibig ni Yahweh ay mahayag araw-araw, gabi-gabi siya nawa'y purihin ko at awitan; dadalangin ako sa Diyos, na sa aki'y bumubuhay. Sa Diyos na sanggalang ko ganito ang aking wika, “Bakit ako ay nilimot, nilimot mo akong kusa? Bakit ako nagdurusa sa kamay ng masasama?” Kalooban ko'y nanghihina sa pagkutya ng kalaban, habang sila'y nagtatanong, “Ang Diyos mo ba ay nasaan?” Bakit ako nalulungkot, bakit ako nagdaramdam? Sa Diyos ako'y may tiwala, siyang aking aasahan; magpupuri akong muli, pupurihing walang humpay, ang aking Tagapagligtas, ang Diyos na walang hanggan. Hatulan mong ako'y walang kasalanan, Panginoon, at laban sa masasama, ako'y iyong ipagtanggol; sa masama't sinungaling, ilayo mo ako ngayon! Diyos na aking sanggalang, bakit mo ako iniwan? Bakit ako nagdurusa sa pahirap ng kaaway? Ang totoo't ang liwanag, buhat sa iyo ay pakamtan, upang sa Zion ay mabalik, sa bundok mong dakong banal sa bundok mong pinagpala, at sa templo mong tirahan. Sa dambana mo, O Diyos, ako naman ay dudulog, yamang galak at ligaya ang sa aki'y iyong dulot; sa saliw ng aking alpa'y magpupuri akong lubos, buong lugod na aawit ako sa Diyos, na aking Diyos! Bakit ako nababahala, bakit ako nahahapis? Sa Diyos ako ay aasa at sa kanya mananalig. Muli akong magpupuri sa Diyos ko't Tagapagligtas, itong aking pagpupuri sa kanya ko ihahayag! Ang gawa mo noong una dakilang mga bagay, narinig po namin, O Diyos, sa ninuno naming mahal; Pinalayas mo ang Hentil sa sarili nilang bayan, at ang mga hinirang mo ang siya mong inilagay; sila'y iyong pinagpala't pinaunlad yaong buhay, samantalang iyong iba ay parusa ang nakamtan, hindi sila ang gumapi sa lupain na minana, hindi sila nagtagumpay dahilan sa lakas nila; hindi tabak ang ginamit, ni ginamit na sandata, kundi lakas mo, O Diyos, noong ikaw ang kasama; oo, ito'y ginawa mo pagkat mahal mo nga sila. O Diyos, ikaw ang hari ko na nagbigay ng tagumpay, pagwawagi'y kaloob mo sa bayang iyong hinirang. Dahilan sa iyong lakas, talo namin ang kaaway, pagkat ikaw ang kasama, kaya sila napipilan. Palaso ko, aking tabak, hindi ko rin inasahan, upang itong kaaway ko ay magapi sa labanan. Ngunit ikaw ang nanguna kaya kami nagtagumpay, sa sinumang namumuhing malulupit na kaaway. Kaya naman, ikaw, O Diyos, lagi naming pupurihin; sa papuri't pasalamat ika'y aming tatanghalin. (Selah) Ngunit ngayo'y itinakwil, kaya kami ay nalupig, hukbo nami'y binayaa't hindi mo na tinangkilik; Hinayaan mo nga kami kaya kami ay tumakas; aming mga naiwanan ay sinamsam nilang lahat. Kami'y iyong binayaang katayin na parang tupa, matapon sa ibang bansa upang doon ay magdusa. Kami'y iyong pinagbili sa maliit na halaga; sa ginawang pagbebenta walang tubo na nakuha. Sa sinapit naming ito, mga bansa ay nagtawa, kinukutya kaming lagi, iniinis sa tuwina. Pati bansang walang Diyos, sa gitna ng sanlibutan, sa nangyari'y umiiling bilang tanda ng pag-uyam. At lagi kong alaala mapait na karanasan, aking puso ay nanlumo sa malaking kahihiyan. Ang malaking kahihiyang ngayo'y aking tinataglay, ay bunga ng pang-iinis at pagkutya ng kaaway. Sa ganitong karanasan, kami'y lubhang nagtataka; ikaw nama'y nakaukit sa isipa't alaala, at ang tipan mo sa ami'y sinusunod sa tuwina. Hindi namin sinusuway yaong iyong mga batas, hanggang ngayo'y tapat kami, hindi kami lumalabag. Gayon pa ma'y iniwan mo, kami'y iyong binayaan, sa gitna ng mga ganid at pusikit na karimlan. Kung pagsamba sa ating Diyos kusa naming itinigil, at sa ibang mga diyos doon kami dumalangin, ito'y iyong mababatid pagkat sa iyo'y walang lihim, sa iyo ay walang lingid na isipan at damdamin. Dahil po sa inyo'y buong araw kaming pinapatay, turing nila sa amin ay mga tupang pangkatay. Gumising ka sana, Yahweh! Sa paghimlay ay gumising. Bumangon ka! Kailanma'y 'wag po kaming itatakwil. Kami'y huwag pagkublihan, pagtaguan ay huwag din, ang pangamba nami't hirap, huwag mo pong lilimutin. Halos kami ay madurog nang bumagsak na sa lupa; sa bunton ng alikabok ay lupig na nabulagta. Bumangon ka at tumulong, kami ngayon ay iligtas, dahilan sa pag-ibig mong kailanma'y di kukupas! Kay gagandang pangungusap ang naroon sa isipan, habang aking hinahabi ang awit sa haring mahal; ang katulad ng dila ko ay panulat ng maalam, panulat ng dalubhasang sumulat ng kasaysayan. Sa lahat nga ng nilikha, makisig kang hindi hamak, kapag nagtatalumpati'y pambihira kung mangusap; ikaw nga ay pinagpala ng Diyos sa tut'wina. O ikaw na haring bantog, isakbat mo ang sandata; sagisag mo'y maharlika, malakas nga't dakila ka! Maglakbay kang mayro'ng dangal tinataglay ang tagumpay, alang-alang sa matuwid, ipagtanggol ang katuwiran; tagumpay ay matatamo sa lakas mong tinataglay. Palaso mo'y matatalim, pumapatay ng kaaway; susuko ang mga bansa at sa iyo'y magpupugay. Iyang tronong tinanggap mo na kaloob ng Diyos, isang tronong magtatagal at hindi na matatapos; matuwid kang maghahari sa bansa mong nasasakop. Katarunga'y iyong mahal, sa masama'y namumuhi; kaya naman ang iyong Diyos, tanging ikaw ang pinili; higit sa sinumang hari, kagalakang tanging-tangi. Sa damit mo'y nalalanghap, tatlong uri ng pabango, mira, aloe saka kasia na buhat sa ibang dako; inaaliw ka ng tugtog sa garing na palasyo mo. O kay gagandang prinsesa ang katulong na dalaga, samantalang sa kanan mo, nakatayo yaong reyna, palamuti'y gintong lantay sa damit na suot niya. O kabiyak nitong hari, ang payo ko'y ulinigin; ang lahat mong kamag-anak at ang madla ay limutin. Sa taglay mong kagandahan ang hari ang paibigin; siya'y iyong Panginoon, marapat na iyong sundin. Yaong mga taga-Tiro, handog nila ay dadalhin, pati mga mayayaman sa iyo ay susuyo rin. Ang prinsesa sa palasyo'y pagmasdan mo't anong ganda; sinulid na gintung-ginto ang hinabing damit niya. Sa magara niyang damit, sa hari ay pinapunta, mga abay ay kasama, haharap sa hari nila. Sama-samang masasaya, ang lahat ay nagagalak nagsipasok sa palasyo, kanyang hari ay hinanap. Darami ang iyong supling, sa daigdig maghahari, kapalit ng ninuno mo sa sinundang mga lahi. Dahilan sa aking awit, ikaw nama'y dadakila, kailanma'y pupurihin nitong lahat na nilikha! Ang Diyos ang ating lakas at kanlungan, at handang saklolo kung may kaguluhan. Di dapat matakot, mundo'y mayanig man, kahit na sa dagat ang bundok matangay; kahit na magngalit yaong karagatan, at ang mga burol mayanig, magimbal. (Selah) May ilog ng galak sa bayan ng Diyos, sa banal na templo'y ligaya ang dulot. Ang tahanang-lunsod ay di masisira; ito ang tahanan ng Diyos na Dakila, mula sa umaga ay kanyang alaga. Nangingilabot din bansa't kaharian, sa tinig ng Diyos lupa'y napaparam. Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan, ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan. (Selah) Anuman ang kanyang ginawa sa lupa, sapat nang pagmasdan at ika'y hahanga! Maging pagbabaka ay napatitigil, sibat at palaso'y madaling sirain; baluting sanggalang ay kayang tupukin! Sinasabi niya, “Ihinto ang labanan, ako ang Diyos, dapat ninyong malaman, kataas-taasan sa lahat ng bansa, sa buong sanlibuta'y pinakadakila.” Nasa atin ang Diyos na Makapangyarihan; ang Diyos ni Jacob na ating kanlungan! (Selah) Magdiwang ang lahat ng mga nilikha! Pumalakpak kayong may awit at tuwa, bilang pagpupuri sa Diyos na Dakila! Ang Diyos na si Yahweh, Kataas-taasan, ay dakilang haring dapat na igalang; siya'y naghahari sa sangkatauhan. Tayo'y pinagwagi sa lahat ng tao, sa lahat ng bansa'y namahala tayo. Siya ang pumili ng ating tahanan, ang lupang minana ng mga hinirang. (Selah) Lumuklok sa trono si Yahweh na ating Diyos, sigawan at trumpeta ang siyang tumutunog. Purihin ang Diyos, siya ay awitan, awitan ang hari, siya'y papurihan! Ang Diyos, siyang hari ng lahat ng bansa; awita't purihin ng mga nilikha! Maghahari siya sa lahat ng bansa, magmula sa tronong banal at dakila. Sa mga hinirang ng Diyos ni Abraham, sasama ang mga pamunuan ng lahat ng bansa sa sandaigdigan. Ang mga sandata ng lahat ng kawal, lahat ay sa Diyos na kataas-taasan. Dakila si Yahweh, dapat papurihan, sa lunsod ng Diyos, bundok niyang banal. Ang Bundok ng Zion, tahanan ng Diyos ay dakong mataas na nakalulugod; bundok sa hilaga na galak ang dulot, sa lahat ng bansa nitong sansinukob. Sa piling ng Diyos ligtas ang sinuman, sa loob ng muog ng banal na bayan. Itong mga hari ay nagtipun-tipon, upang sumalakay sa Bundok ng Zion. Sila ay nagulat nang ito'y mamasdan, pawang nagsitakas at nahintakutan. Ang nakakatulad ng pangamba nila ay pagluluwal ng butihing ina. Tulad ng malaking barkong naglalayag, sa hanging silangan dagling nawawasak. Ang naglalakihang barkong naglalayag. Sa banal na lunsod ay aming namasid ang kanyang ginawa na aming narinig; ang Diyos na si Yahweh, Makapangyarihan, siyang mag-iingat sa lunsod na banal, iingatan niya magpakailanman. (Selah) Sa loob ng iyong templo, aming Diyos, nagunita namin pag-ibig mong lubos. Ika'y pinupuri ng lahat saanman, sa buong daigdig ang dakila'y ikaw, at kung mamahala ay makatarungan. Kayong taga-Zion, dapat na magalak! At ang buong Juda'y magdiwang na lahat, dahilan kay Yahweh sa hatol niyang tumpak. Ang buong palibot ng Zion, lakarin, ang lahat ng tore doon ay bilangin; ang nakapaligid na pader pansinin, mga muog nito'y inyong siyasatin; upang sa susunod na lahi'y isaysay, na ang Diyos, ay Diyos natin kailanman, sa buong panahon siya ang patnubay. Bawat isa ay makinig, makinig ang sino pa man, kahit saan naroroon ay makinig ang nilalang! Kahit ikaw ay dakila o hamak ang iyong lagay, makinig na sama-sama ang mahirap at mayaman. Itong aking sasabihi'y salitang may karunungan, ang isipang ihahayag, mahalagang mga bagay; Ang pansin ko ay itutuon sa bugtong na kasabihan, sa saliw ng aking alpa'y ihahayag ko ang laman. Hindi ako natatakot sa panahon ng panganib, kahit pa nga naglipana ang kaaway sa paligid— mga taong naghahambog, sa yaman ay nananalig, dahilan sa yaman nila'y tumaas ang pag-iisip. Hindi kaya ng sinumang ang sarili ay matubos, hindi kayang mabayara't tubusin sa kamay ng Diyos. Ang bayad sa kanyang buhay ay halagang sakdal taas; gaano man ang halagang hawak niya'y hindi sapat upang siya ay mabuhay nang hindi na magwawakas at sa labi ng libingan ay hindi na mapasadlak. Alam naman niyang lahat ay mamamatay, kasama ang marunong, maging mangmang o hangal; sa lahing magmamana, yaman nila'y maiiwan. Doon sila mananahan sa libingan kailanpaman, kahit sila'y may lupaing pag-aari nilang tunay; maging sikat man ang tao, hinding-hindi maiwasan katulad din noong hayop, tiyak siyang mamamatay. Masdan ninyo yaong taong nagtiwala sa sarili, at sa kanyang kayamanan ay nanghawak na mabuti: (Selah) Tulad niya'y mga tupa, sa patayan din hahantong, itong si Kamatayan ang kanyang magiging pastol. Ang matuwid, magwawagi kapag sumapit ang umaga, laban doon sa kaaway na ang bangkay ay bulok na sa daigdig ng mga patay, na malayo sa kanila. Ngunit ako'y ililigtas, hindi ako babayaan, aagawin ako ng Diyos sa kamay ng kamatayan. (Selah) Di ka dapat mabagabag, ang tao man ay yumaman, lumago man nang lumago yaong kanyang kabuhayan; hindi ito madadala kapag siya ay namatay, ang yaman ay hindi niya madadala sa libingan. At kahit na masiyahan ang tao sa kanyang buhay, dahilan sa sinusuob ng papuri't nagtagumpay; katulad ng ninuno niya, siya rin ay mamamatay, masasadlak pa rin siya sa dilim na walang hanggan. Ang tao mang dumakila ay iisa ang hantungan, katulad ng mga hayop, tiyak siyang mamamatay! Ang Makapangyarihang Diyos, si Yahweh ay nagsasaysay, ang lahat ay tinatawag sa silangan at kanluran. Magmula sa dakong Zion, ang lunsod ng kagandahan, makikita siyang nagniningning sa kaluwalhatian. Ang Diyos natin ay darating, ngunit hindi matahimik; sa unaha'y nangunguna ang apoy na nagngangalit, bumabagyong ubod-lakas, humahangin sa paligid. Ginagawa niyang saksi ang lupa at kalangitan, upang masdan ang ganitong paghatol sa mga hirang: “Ang lahat ng matatapat na lingkod ko ay tipunin, silang tapat sa kasunduan at nag-aalay ng handog.” Ang buong kalangita'y naghahayag na ang Diyos, isang hukom na matuwid, kung humatol ay maayos. (Selah) “Kayong aking mga lingkod, makinig sa sasabihin; ako ay Diyos, ang inyong Diyos, salita ko'y unawain; ako'y mayroong patotoo't saksi laban sa Israel. Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog, ni sa inyong mga haing sa dambana'y sinusunog, bagaman ang mga toro'y hindi ko na kailangan, maging iyang mga kambing at ang inyong mga kawan. Pagkat akin iyang hayop sa gitna ng kagubatan, maging bakang naglipana sa maraming kaburulan. Akin din ang mga ibong lumilipad sa itaas, at ang lahat na may buhay sa parang ay akin lahat. “Kung ako ma'y nagugutom, hindi ko na sasabihin, yamang lahat sa daigdig na narito'y pawang akin. Ang karne ng mga toro, iyon ba'y aking pagkain? At ang inumin ko ba'y dugo ng mga kambing? Ang ihandog ninyo sa Diyos ay ang inyong pasalamat; ang pangakong handog ninyo ay tuparin ninyong lahat. Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin; kayo'y aking ililigtas, ako'y inyong pupurihin.” Ang tanong ng Panginoon sa masama't mga buktot, “Bakit ninyo inuusal ang aking mga utos? Gayundin ang kasunduang hindi ninyo sinusunod? Kapag kayo ay tinutuwid, agad kayong napopoot, at ni ayaw na tanggapin ang aking mga utos; ang makitang magnanakaw ang nagiging kaibigan, at taong mapang-apid ang siya ninyong kasamahan. “Mabilis ang inyong dila sa masamang sasabihin; sa inyo ay bale-wala ang gawaing pagsisinungaling. Handa ninyong paratangan maging tunay na kapatid, at kay daming kapintasang sa kanila'y nasisilip. Kahit ito ay ginawa hindi kayo pinupuna, kaya naman ang akala, kayo't ako'y magkaisa. Ngunit ngayon, panahon nang kayo'y aking pagwikaan, upang inyong maunawa ang ginawang kamalian. “Kaya ngayo'y dinggin ito, kayong sa aki'y di pumapansin, kapag ako'y di dininig, kayo'y aking wawasakin; walang sinumang sa inyo'y makakaligtas sa akin. Ang parangal na nais ko na sa aki'y ihahain, ay handog ng pasalamat, pagpupuring walang maliw; akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.” Ako'y kaawaan, O mahal kong Diyos, sang-ayon sa iyong kagandahang-loob; mga kasalanan ko'y iyong pawiin, ayon din sa iyong pag-ibig sa akin! Linisin mo sana ang aking karumhan, at patawarin mo'ng aking kasalanan! Mga pagkakasala ko'y kinikilala, di ko malilimutan, laging alaala. Sa iyo lang ako nagkasalang tunay, at ang ginawa ko'y di mo kinalugdan; kaya may katuwiran ka na ako'y hatulan, marapat na ako'y iyong parusahan. Ako'y masama na buhat nang isilang, makasalanan na nang ako'y iluwal. Nais mo sa aki'y isang pusong tapat; puspusin mo ako ng dunong mong wagas. Ako ay linisin, sala ko'y hugasan at ako'y puputi nang lubus-lubusan. Sa galak at tuwa ako ay puspusin; butong nanghihina'y muling palakasin. Ang kasalanan ko'y iyo nang limutin, lahat kong nagawang masama'y pawiin. Isang pusong tapat sa aki'y likhain, bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin. Sa iyong harapa'y huwag akong alisin; iyong banal na Espiritu'y paghariin. Ang galak na dulot ng iyong pagliligtas, ibalik at ako po'y gawin mong tapat. Kung magkagayon na, aking tuturuang sa iyo lumapit ang makasalanan. Ingatan mo ako, Tagapagligtas ko at aking ihahayag ang pagliligtas mo. Tulungan mo akong makapagsalita, at pupurihin ka sa gitna ng madla. Hindi mo na nais ang mga handog; di ka nalulugod, sa haing sinunog; ang handog ko, O Diyos, na karapat-dapat ay ang pakumbabá't pusong mapagtapat. Iyong kahabagan, O Diyos, ang Zion; at ang Jerusalem ay muling ibangon. At kung magkagayon, ang handog na haing dala sa dambana, torong susunugin, malugod na ito'y iyong tatanggapin. O taong malakas, bakit ka nagyabang sa gawa mong mali? Pag-ibig ng Diyos ang mamamalagi. Balak mo'y wasakin ang iba, ng iyong matalim na dila ng pagsisinungaling. Higit na matindi ang iyong pag-ibig sa gawang masama, higit na nais mo'y kasinungalingan kaysa gawang tama. (Selah) Taong sinungaling ang iba'y gusto mong saktan sa salita. Kaya't wawasaki't aal'sin ka ng Diyos sa loob ng tolda, sa mundo ng buháy aalisin ka niya. (Selah) Ito'y makikita ng mga matuwid, matatakot sila, at ang sasabihing pawang nagtatawa: “Masdan mo ang taong sa Diyos di sumampalataya, sa taglay niyang yaman nanangan at nagpakalakas sa kanyang kasamaan.” Kahoy na olibo sa tabi ng templo, ang aking katulad; nagtiwala ako sa pag-ibig ng Diyos na di kumukupas. Di ako titigil ng pasasalamat sa iyong ginawa, ang kabutihan mo'y ipahahayag ko, kasama ng madla. Sinabi ng hangal sa kanyang sarili, “Wala namang Diyos!” Wala nang matuwid lahat nang gawain nila'y pawang buktot. Magmula sa langit ang Diyos nagmamasid sa kanyang nilalang, kung mayro'ng marunong at tapat sa kanya na nananambahan. Ngunit kahit isa ni isang mabuti ay walang nakita, lahat ay lumayo at naging masama, lahat sa kanila. Ang tanong ng Diyos “Sila ba'y mangmang at walang kaalaman? Ayaw manalangin, kaya't bayan ko'y pinagnanakawan.” Subalit darating ang di pa nadaranas nilang pagkatakot, pagkat ang kalansay ng mga kaaway, ikakalat ng Diyos, sila'y itatakwil, magagapi sila nang lubos na lubos. Ang aking dalangi'y dumating sa Israel ang iyong pagliligtas na mula sa Zion! Kung ang bayan ng Diyos ay muling umunlad, ang angkan ni Jacob, bayan ng Israel, lubos na magagalak! Makapangyarihang Diyos, ako'y iligtas, ipagsanggalang mo ng iyong lakas. Dinggin mo, O Diyos, aking panalangin, iyo ngang pakinggan, aking mga daing. Ang nagmamataas ay laban sa akin, hangad ng malupit ang ako'y patayin, kanilang nilimot na ang Diyos ay sundin. (Selah) Batid kong ang Diyos ang siyang tutulong, tagapagsanggalang ko, aking Panginoon. Ang hinahangad ko ay maparusahan sa gawang masama ang mga kaaway; ang Diyos na matapat, sila'y wawakasan. Buong galak naman akong maghahandog ng pasasalamat kay Yahweh, dahilan sa kanyang kagandahang-loob. Iniligtas ako sa kabagabagan, iniligtas niya sa mga kaaway, at aking nakitang sila ay talunan! Ang panalangin ko, O Diyos, pakinggan, mga daing ko ay huwag namang layuan. Lingapin mo ako, ako ay sagipin, sa bigat ng aking mga suliranin. Sa maraming banta ng mga kaaway, nalilito ako't hindi mapalagay. Ang dulot sa akin nila'y kaguluhan, namumuhi sila't may galit ngang tunay. Itong aking puso'y tigib na ng lumbay, sa aking takot na ako ay pumanaw. Sa tindi ng takot, ako'y nanginginig, sinasaklot ako ng sindak na labis. Wika ko, “Kung ako lamang ay may pakpak, parang kalapati, ako ay lilipad; hahanapin ko ang dakong panatag. Aking liliparin ang malayong lugar, at doon sa ilang ako mananahan. (Selah) Ako ay hahanap agad ng kanlungan upang makaiwas sa bagyong darating.” Sila ay wasakin, Yahweh, guluhin mo; pag-uusap nila'y bayaang malito, yamang karahasan ang nakikita ko, at sa lunsod nila ay nagkakagulo. Sa lunsod na puno ng sama't ligalig, araw-gabi'y doon sila lumiligid; Sa gitna ng lunsod na wasak nang tunay, naghahari pa rin ang katiwalian; pati pang-aapi ay nasasaksihan. Kaya kong mabata at mapagtiisan, kung ang mangungutya ay isang kaaway; kung ang maghahambog ay isang kalaban, kayang-kaya ko pang siya'y pagtaguan! Ang mahirap nito'y tunay kong kasama, aking kaibigang itinuturing pa! Dati'y kausap ko sa bawat sandali at maging sa templo, kasama kong lagi. Biglang kamatayan nawa ay dumating, ihuhulog ng buháy, sa daigdig ng mga patay; sa kanilang puso't maging sa tahanan, yaong naghahari'y pawang kasamaan. Kay Yahweh lang ako hihingi ng saklolo; aking natitiyak, ililigtas ako. Sa umaga't hapon, maging sa gabi rin. Aking itataghoy ang mga hinaing, at ang aking tinig ay kanyang diringgin. Ililigtas ako mula sa labanan, at pababaliking taglay ang tagumpay, matapos gapiin ang mga kaaway. Ang Diyos na hari sa mula't mula pa ay diringgin ako, lulupigin sila; (Selah) pagkat ni sa kanya'y wala silang takot, ayaw nang magbago at magbalik-loob. Itong taong dati'y aking kasamahan, mga kaibiga'y kanyang kinalaban; at hindi tumupad sa 'ming kasunduan. Ang dulas ng dila'y parang mantekilya, ngunit nasa puso pagkapoot niya; ang mga salita niya'y tulad ng langis, ngunit parang tabak ang talas at tulis. Ilagak kay Yahweh iyong suliranin, aalalayan ka't ipagtatanggol rin; ang taong matuwid, di niya bibiguin. Ngunit ang bulaan at mamamatay-tao, O Diyos, sa hukay, sila'y itapon mo. Hindi magtatagal, ang buhay nila sa daigdig, ngunit tanging sa Diyos ako ay mananalig. Maawa ka, Panginoon, ako'y iyong kahabagan, lagi akong inuusig, nilulusob ng kaaway; nilulusob nila ako, walang tigil, buong araw, O kay rami nila ngayong sa akin ay lumalaban. Kapag ako'y natatakot, O aking Diyos na Dakila; sa iyo ko ilalagak, pag-asa ko at tiwala. Pangako niyang binitiwa'y pinupuri ko nang lubos, tanging sa iyo, umaasa't nananalig ako, O Diyos; sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot. Ang lahat ng kaaway ko'y lagi akong ginugulo, ang palaging iniisip ay kanilang saktan ako; Lagi silang sama-sama sa kublihan nilang dako, naghihintay ng sandali upang kitlin ang buhay ko. Sa masama nilang gawa, O Diyos, sila'y parusahan, sa tindi ng iyong galit gapiin mo silang tunay! Ang taglay kong sulirani'y nababatid mo nang lahat, pati mga pagluha ko'y nakasulat sa iyong aklat. Kapag sumapit ang sandaling tumawag ako sa iyo, tiyak na malulupig ang lahat ng kalaban ko; pagkat aking nalalamang, “Ang Diyos ay nasa panig ko.” May tiwala ako sa Diyos, pangako niya'y iingatan, pupurihin ko si Yahweh sa pangakong binitiwan. Lubos akong umaasa't may tiwala ako sa Diyos; sa tao ring katulad ko, hindi ako matatakot. Ang anumang pangako ko'y dadalhin ko sa iyo, O Diyos, ang alay ng pasalamat ay sa iyo ihahandog. Pagkat ako'y iniligtas sa bingit ng kamatayan, iniligtas mo rin ako sa ganap na kasiraan. Upang ako ay lumakad sa presensya mo, O Diyos, sa landas nitong liwanag na ikaw ang nagdudulot! Mahabag ka, O aking Diyos, ikaw sana ay mahabag; sa iyo ako lumalapit upang ako ay maligtas, pagkat aking nasumpungan sa lilim ng iyong pakpak, ligtas ako sa panganib hanggang ito ay lumipas. Yaong aking tinatawag, ang Diyos na Kataas-taasan, ang Diyos na nagbibigay ng lahat kong kailangan. Magmula sa kalangitan, diringgin ang aking hibik, ang lahat ng kaaway ko'y lubos niyang magagapi; ang tapat niyang pagmamahal at matatag na pag-ibig, ihahayag ito ng Diyos, sa aki'y di ikakait. (Selah) Kasama ko'y mga leon, kapiling ko sa paghimlay, mabangis na mga hayop na sisila sa sinuman; parang sibat at palaso yaong ngipin nilang taglay, matulis ang mga dila na animo'y mga sundang. Purihin ka nawa, O Diyos, sa rurok ng kalangitan; dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan! Nadarama ng sarili, lagi na lang pagdurusa; hinuhuli ng kaaway; masilo ako, nais nila, ngunit sila ang nahulog sa bitag na inihanda. (Selah) Panatag na ako, O Diyos, ako ngayo'y matatag, purihin ka at awitan, ng awiting masisigla. Gumising ka, kaluluwa, gumising ka't purihin siya! Gumising ka't tugtugin mo yaong lumang lira't alpa; tumugtog ka at hintayin ang liwayway ng umaga. Sa gitna ng mga bansa, kita'y pasasalamatan; Yahweh, ika'y pupurihin sa gitna ng iyong bayan. Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan, nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan. Purihin ka nawa, O Diyos, sa rurok ng kalangitan; dito naman sa daigdig ay ang iyong karangalan! Tama ba ang hatol ng mga pinuno? Ang hatol ba ninyo'y pantay at totoo? Hindi! pagkat ang inyong binabalangkas pawang karahasa't gawaing di tama. Iyang masasama sa mula't mula pa, mula sa pagsilang ay sinungaling na. Sila'y makamandag, ahas ang kaparis, katulad ay kobrang ang tainga ay may takip; itong mga tawak at salamangkero, di niya dinirinig, hindi pansin ito. Bungiin ang ngipin nila, O Panginoon, alisin ang pangil niyong mga leon. Itapon mo silang katulad ng tubig, sa daa'y duruging parang mga yagit. Parang mga susô, sa dumi magwakas, batang di nabuhay sa sangmaliwanag. Puputulin silang hindi nila batid, itatapon ng Diyos sa tindi ng galit; bagaman buháy pa'y iyon na ang sinapit. Ang mga matuwid nama'y magagalak kung ang masasama'y parusahang ganap; pagkakita nila sa dugong dumanak, hindi mangingiming doon na tumahak. Saka sasabihin ng mga nilalang, “Ang mga matuwid ay gantimpalaan; tunay ngang may Diyos, na hukom ng lahat!” Sa aking kaaway, iligtas mo ako, O aking Diyos; ingatan mo ako kapag sila'y lumusob. Sa masamang tao, ako ay iligtas, at sa pumapatay agawin mo ako at iyong ingatan. Sila'y nag-aabang, pagmasdan mo yaong taong mababagsik; nagtipo't ang layon ako ay iligpit. Ang dahilan nito, di dahil sa ako'y may pagkakamali, o may pagkukulang na ako ang sanhi; O Diyos, masdan sila at nagdudumali. Tulungan mo ako, Yahweh, Makapangyarihang Diyos. Ikaw ang magmasid, O Diyos ng Israel! Ikaw ay gumising, at ang mga bansa'y iyong parusahan; yaong mga taksil, huwag mong kahabagan. (Selah) Pagdating ng gabi, sila'y nagbabalik sa loob ng lunsod; asong kumakahol ang nakakatulad habang naglilibot. Dinggin ang salita't parang mga tabak ang dila ng bibig! Ngunit nagtatanong: “Sa amin ay sino ang makikinig?” Ngunit ikaw, Yahweh, tinatawanan mo't iyong kinukutya; gayon ang gawa mo sa may salang bansa. Ikaw, Panginoon, ang aking Diyos, aking kalakasan; ikaw ang muog ko at aking kanlungan. Ako'y minamahal, mahal ako ng Diyos, ako'y lalapitan upang ipamalas ang kanyang paglupig sa mga kaaway. Huwag mong papatayin, nang di malimutan ng iyong mga lingkod. Sa taglay mong lakas pangalatin sila at iyong isabog; ikaw ang sanggalang, Yahweh, aming Diyos. Sa kanilang labi'y pawang kasamaan ang namumutawi; sa pagmamataas, ang aking dalangin, sila ay mahuli, pagkat sinungaling at sa pangungutya, sila'y nawiwili. Wasakin mong lubos, dahil sa iyong galit, ganap mong wasakin; dito malalaman ng lahat, na ika'y hari ng Israel, at sa sansinukob ikaw ang hari din. (Selah) Pagdating ng gabi, sila'y nagbabalik sa loob ng lunsod; asong kumakahol ang nakakatulad habang naglilibot. Animo'y lagalag, lakad lang nang lakad, pagkain ang hanap; hindi masiyahan, kapag ang nakuha nila'y hindi sapat. Ngunit aawit ako, pagkat ang taglay mo'y pambihirang lakas, sa tuwing umaga ang aawitin ko'y pag-ibig mong wagas; pagkat ika'y muog, sa buhay kong ito, at aking kanlungan kapag lugmok ako. Pupurihin kita, tagapagtanggol ko at aking kanlungan, Diyos kong mapagmahal. Kami'y iyong itinakwil, O Diyos, kami ay nilupig, kami sana'y balikan mo kung ikaw man ay nagalit. Yaong lupang sinaktan mo'y nanginginig na lupain, bago lubos na mawasak, gamutin mo't pagalingin. Labis na ang paghihirap nitong iyong mga lingkod, lasing kami't langung-lango sa alak na iyong dulot. Silang mga sumasamba, O Diyos, iyong hinudyatan, upang sila'y makatakas sa kamay nitong kalaban. (Selah) Ang dalangin nami'y dinggin, sa lakas mo ay iligtas, upang sila na mahal mo'y mahango sa paghihirap. Sinabi nga nitong Diyos mula sa dako niyang banal, “Hahatiin ko ang Shekem tanda ng pagtatagumpay; ibibigay ko ang Sucot sa lingkod ko't mga hirang. Ang Gilead at Manases, ang lugar na yao'y akin; ang helmet na gagawin ko ay ang dako ng Efraim; samantalang itong Juda ay setrong dadakilain. Yaong bansa nitong Moab ay gagawin kong hugasan, samantalang itong Edom ay lupa kong tatapakan; at sa Filistia, tagumpay ko'y ipagsisigawan.” Sa lunsod na kinutaan, sino'ng kasama, Panginoon? Sino kayang magdadala sa akin sa lupang Edom? Itinakwil mo ba kami, kami ba ay iniwan na? Paano ang hukbo namin, sino ngayon ang sasama? O Diyos, kami'y tulungan mo, laban sa aming kaaway, pagkat ang tulong ng tao ay wala nang kabuluhan; Kung ang Diyos ang kasama, kasama sa panig namin, matatamo ang tagumpay, ang kaaway tatalunin. Dinggin mo, O Diyos, ang aking dalangin; inyo pong pakinggan, ang aking hinaing! Tumatawag ako dahilan sa lumbay, sapagkat malayo ako sa tahanan. Iligtas mo ako, ako ay ingatan, pagkat ikaw, O Diyos, ang aking kanlungan, matibay na muog laban sa kaaway. Sa inyo pong tolda, ako ay payagan na doon tumira habang nabubuhay; sa lilim ng iyong bagwis na malakas, ingatan mo ako nang gayo'y maligtas. (Selah) Lahat kong pangako, O Diyos, iyong alam at abâ mong lingkod, tunay na binigyan ng mga pamana na iyong inilaan sa nagpaparangal sa iyong pangalan. Ang buhay ng hari sana'y pahabain; bayaang ang buhay niya'y patagalin! Paghahari niya sa iyong harapan, sana'y magpatuloy habang nabubuhay; kaya naman siya ay iyong lukuban ng iyong pag-ibig na walang kapantay. At kung magkagayon, kita'y aawitan, ako'y maghahandog sa iyo araw-araw. Tanging sa Diyos lamang ako ay aasa; ang kaligtasa'y nagbubuhat sa kanya. Tanging siya lamang ang tagapagligtas, tagapagtanggol ko at aking kalasag; akin ang tagumpay sa lahat ng oras! Hanggang kailan ba ninyo lulupigin ang sinuman na nais ninyong patayin? Tulad ng isang pader siya'y ibagsak gaya ng bakod siya'y mawawasak. Nais lamang ninyong siya ay siraan, sa inyong adhikang ibaba ang dangal; ang magsinungaling, inyong kasiyahan. Pangungusap ninyo, kunwa'y pagpapala, subalit sa puso'y inyong sinusumpa. (Selah) Tanging sa Diyos lang ako umaasa; ang aking pag-asa'y tanging nasa kanya. Tanging siya lamang ang tagapagligtas, tagapagtanggol ko at aking kalasag; akin ang tagumpay sa lahat ng oras! Ang kaligtasan ko't aking karangalan ay buhat sa Diyos, nasa kanya lamang. Siya'y malakas kong tagapagsanggalang, matibay na muog na aking kanlungan. Mga kababayan, sa lahat ng oras magtiwala sa Diyos; sa kanya ilagak ang inyong pasaning ngayo'y dinaranas; siya ang kublihang may dulot na lunas. (Selah) Ang taong nilalang ay katulad lamang ng ating hiningang madaling mapatid. Pagsamahin mo ma't dalhin sa timbangan, katumbas na bigat ay hininga lamang. Huwag kang magtiwala sa gawang marahas, ni sa panghaharang, umasang uunlad; kahit umunlad pa ang iyong kabuhayan ang lahat ng ito'y di dapat asahan. Hindi na miminsang aking napakinggan na taglay ng Diyos ang kapangyarihan, at di magbabago kanyang pagmamahal. Ayon sa ginawa ng sinumang tao, doon nababatay ang gantimpala mo. O Diyos, ikaw ang aking Diyos na lagi kong hinahanap; ang uhaw kong kaluluwa'y tanging ikaw nga ang hangad; para akong tuyong lupa na tubig ang siyang lunas. Hayaan mong sa santuwaryo ika'y aking mapagmasdan, at ang likas mong kaluwalhatian at kapangyarihan. Ang wagas na pag-ibig mo'y mainam pa kaysa buhay, kaya pupurihin kita, O Diyos, at pararangalan. Habang ako'y nabubuhay, ako'y magpapasalamat, at ako ay dadalangin na kamay ko'y nakataas. Itong aking kaluluwa'y tunay na masisiyahan, magagalak na umawit ng papuring iaalay. Laman ka ng gunita ko samantalang nahihimlay, magdamag na ang palaging iniisip ko ay ikaw; ikaw ang sa aki'y tumutulong sa tuwina, kaya sa iyong pagkupkop ligaya kong awitan ka. Itong aking kaluluwa'y sa iyo lang nananalig, kaligtasan ko'y tiyak, dahil sa iyo'y nakasandig. Ngunit silang nagbabantang kumitil sa aking buhay, sila nga ang masasadlak sa malamig na libingan. Mamamatay silang lahat sa larangan ng digmaan, kakanin ng asong-gubat ang kanilang mga bangkay. Dahilan sa iyo, O Diyos, ang hari ay magdiriwang, kasama ng mga tapat magpupuring walang hanggan. Ngunit silang sinungaling, bibig nila ay tatakpan. O Diyos, ang hibik ko, ang aking dalangin sana ay pakinggan, sa pagkaligalig dahil sa kaaway, huwag akong hayaan; ipagtanggol ako sa mga pakana't lihim na sabwatan, niyong mga pangkat na ang binabalak pawang kasamaan. Ang kanilang dila'y katulad ng tabak na napakatalas, tulad ng palasong iniaasinta kung sila'y mangusap. Sa kublihan nila, sila'y nag-aabang sa mabuting tao, at walang awa nilang tinutudla sa pagdaan nito. Sa gawang masama ay nagsasabwatan, nag-uusap sila, kung saan dadalhin ang patibong nilang di dapat makita. At ang sasabihin pagkatapos nilang makapagbalangkas, “Ayos na ayos na itong kasamaang ating binabalak.” Damdamin ng tao at ang isip niya'y mahiwagang ganap! Subalit ang Diyos na may palaso ri'y di magpapabaya, walang abug-abog sila'y tutudlai't susugatang bigla. Dahilan sa sila'y masamang nangungusap, kaya wawasakin, at ang makakita sa gayong sinapit sila'y sisisihin; yaong nakakita'y sisidlan ng takot, ipamamalita ang gawa ni Yahweh at isasaisip ang kanyang ginawa. Sa gawa ni Yahweh, ang mga matuwid pawang magagalak, magpupuri sila at sa piling niya ay mapapanatag. Marapat na ikaw, O Diyos, sa Zion ay papurihan, dapat nilang tupdin doon ang pangakong binitiwan, pagkat yaong panalangin nila'y iyong dinirinig. Dahilan sa kasalanan, lahat sa iyo ay lalapit. Bunga nitong pagkukulang, kaya kami nalulupig, gayon pa man, patawad mo'y amin pa ring nakakamit. Silang mga hinirang mo, upang sa templo manahan, silang mga pinili mo'y mapalad na tuturingan! Magagalak kaming lubos sa loob ng templong banal, dahilan sa dulot nitong pagpapala sa nilalang. Kami'y iyong dinirinig, Tagapagligtas naming Diyos, sa kahanga-hangang gawa, kami'y iyong tinutubos. Kahit sino sa daigdig, sa ibayong karagatan, may tiwala silang lahat sa taglay mong kabutihan. Sa taglay mong kalakasan, mga bundok tumatatag; dakila ka't ang lakas mo ay sa gawa nahahayag! Ang ugong ng karagatan, iyong pinatatahimik, pati along malalaki sa panahong nagngangalit; maging mga kaguluhan nilang mga nagagalit. Dahilan sa ginawa mong mga bagay na dakila, natatakot ang daigdig, at ang buong sangnilikha. Bunga nitong ginawa mo, sa galak ay sumisigaw, buong mundo, kahit saang sulok nitong daigdigan. Umuulan sa lupain, ganito mo kinalinga, umuunlad ang lupai't tumataba yaong lupa. Patuloy na umaagos ang bigay mong mga batis, sa halamang nasa lupa, ay ito ang dumidilig; ganito ang ginawa mo na hindi mo ikinait. Sa binungkal na bukirin ang ulan ay masagana, ang bukirin ay matubig, at palaging basang-basa; sa banayad na pag-ulan ay lumambot yaong lupa, kaya naman pati tanim ay malago at sariwa. Nag-aani nang marami sa tulong mong ginagawa, at saanman magpunta ka'y masaganang-masagana. Ang pastula'y punung-puno ng matabang mga kawan, naghahari yaong galak sa lahat ng kaburulan. Gumagala yaong tupa sa gitna ng kaparangan, at hitik na hitik naman ang trigo sa kapatagan. Ang lahat ay umaawit, sa galak ay sumisigaw! Sumigaw sa galak ang mga nilalang! At purihin ang Diyos na may kagalakan; wagas na papuri sa kanya'y ibigay! Awitan siya't luwalhatiin siya! Ito ang sabihin sa Diyos na Dakila: “Ang mga gawa mo ay kahanga-hanga; yuyuko sa takot ang mga kaaway, dahilan sa taglay mong kapangyarihan. Ang lahat sa lupa ika'y sinasamba, awit ng papuri yaong kinakanta; ang iyong pangala'y pinupuri nila.” (Selah) Ang ginawa ng Diyos, lapit at pagmasdan, ang kahanga-hangang ginawa sa tanan. Naging tuyong lupa kahit na karagatan, mga ninuno nati'y doon dumaan; doo'y naramdaman labis na kagalakan. Makapangyarihang hari kailanman, siya'y nagmamasid magpakailanman; kaya huwag magtatangkang sa kanya'y lumaban. (Selah) Ang lahat ng bansa'y magpuri sa Diyos, inyong iparinig papuring malugod. Iningatan niya tayong pawang buháy, di tayo bumagsak, di niya binayaan! O Diyos, sinubok mo ang iyong mga hirang, sinubok mo kami upang dumalisay; at tulad ng pilak, kami'y idinarang. Iyong binayaang mahulog sa bitag, at pinagdala mo kami nang mabigat. Sa mga kaaway ipinaubaya, sinubok mo kami sa apoy at baha, bago mo dinala sa dakong payapa. Ako'y maghahandog sa banal mong templo ng aking pangako na handog sa iyo. Pati pangako ko, nang may suliranin, ay ibibigay ko, sa iyo dadalhin. Natatanging handog ang iaalay ko; susunuging tupa, kambing, saka toro, mababangong samyo, halimuyak nito. (Selah) Lapit at makinig, ang nagpaparangal sa Diyos, at sa inyo'y aking isasaysay ang kanyang ginawang mga kabutihan. Ako ay tumawag, sa Diyos ay nagpuri, kanyang karangalan, aking sinasabi. Kung sa kasalanan ako'y magpatuloy, di sana ako dininig ng ating Panginoon. Ngunit tunay akong dininig ng Diyos, sa aking dalangin, ako ay sinagot. Purihin ang Diyos! Siya'y papurihan, pagkat ang daing ko'y kanyang pinakinggan, at ang pag-ibig niya sa aki'y walang katapusan. O Diyos, pagpalain kami't kahabagan, kami Panginoo'y iyong kaawaan, (Selah) upang sa daigdig mabatid ng lahat ang iyong kalooban at ang pagliligtas. Purihin ka nawa ng lahat ng tao, purihin ka nila sa lahat ng dako. Nawa'y purihin ka ng mga nilikha, pagkat matuwid kang humatol sa madla; ikaw ang patnubay ng lahat ng bansa. (Selah) Purihin ka nawa ng lahat ng tao, purihin ka nila sa lahat ng dako. Nag-aning mabuti ang mga lupain, pinagpala kami ni Yahweh, Diyos namin! Magpatuloy nawa iyong pagpapala upang igalang ka ng lahat ng bansa. Magbangon ka, O Diyos, kaaway ay pangalatin, at ang mga namumuhi'y tumakas sa kanyang piling! Kung paano'ng yaong usok tinatangay noong hangin, gayon sila itataboy, gayon sila papaalisin; at kung paanong kandila sa apoy ay natutunaw, sa harap ng Panginoon ang masama ay papanaw. Ngunit lahat magagalak, matutuwa ang matuwid; sa harapan nitong Diyos, galak nila'y di malirip. Awitan natin ang Diyos, purihin ang kanyang ngalan, maghanda ng isang landas upang kanyang maraanan; ang pangalan niyang Yahweh, magalak na papurihan. Ang Diyos na naroroon sa tahanan niyang templo, tumitingin sa ulila't sanggalang ng mga balo. May tahanan siyang laan sa sinumang nalulungkot, ang bilanggo'y hinahango upang sila ay malugod; samantalang ang tirahan ng suwail ay malungkot. Diyos, nang ang iyong mga lingkod samahan sa paglalakbay, sa pagbagtas sa malawak na lupaing mga ilang, (Selah) ang lupa ay nayayanig, bumubuhos pati ulan; ganito ang nangyayari kapag ika'y dumaratal. Maging ang bundok ng Sinai, nayanig din sa pagdating, nang dumating na si Yahweh, itong Diyos ng Israel. Dahil sa iyo, yaong ulang masagana ay pumatak, lupain mong natuyo na'y nanariwa at umunlad. At doon mo pinatira yaong iyong mga lingkod, ang mahirap nilang buhay sa pagpapala'y pinuspos. May utos na pinalabas na si Yahweh ang nagbigay, ang nagdala ng balita ay babaing karamihan; ang balitang sinasabi: “Nang dahil sa takot, mga hari't hukbo nila'y tumatakas sa labanan!” Kaya ang mga babae na ang nagparte ng samsam. Para silang kalapati, nararamtan noong pilak, parang gintong kumikinang kapag gumalaw yaong pakpak; (Bakit mayro'ng sa kulungan ng tupa napasadlak?) Mga haring nagsitakas pagsapit ng Bundok Zalmon, ang yelo ay pinapatak ni Yahweh sa dakong iyon. O kay laki niyong bundok, yaong bundok nitong Bashan; ito'y bundok na kay raming taluktok na tinataglay. Sa taluktok mong mataas, bakit kinukutya wari yaong bundok na maliit na ang Diyos ang pumili? Doon siya mananahan upang doon mamalagi. Ang kasama'y libu-libong matitibay na sasakyan, galing Sinai, si Yahweh ay darating sa dakong banal. At sa dakong matataas doon siya nagpupunta, umaahon siya roon, mga bihag ang kasama; kaloob mang nagbubuhat sa tauhang nag-aalsa, tinatanggap ng Panginoong Yahweh na doon na tumitira. Purihin ang Panginoon, ang Diyos nating nagliligtas, dinadala araw-araw, ang pasanin nating hawak. (Selah) Ang ating Diyos ay isang Diyos na ang gawa ay magligtas, si Yahweh ang Panginoon, Panginoon nating lahat! Sa bingit ng kamataya'y hinahango tayo agad. Mga ulo ng kaaway ay babasagin ng Diyos, kapag sila ay nagpilit sa kanilang gawang buktot. Si Yahweh ang nagsalita: “Ibabalik ko sa iyo kaaway na nasa Bashan; hahanguin ko nga sila sa gitna ng karagatan, upang kayo'y magtampisaw sa dugo na bubuhos, sa dugo nilang yaon, pati aso ay hihimod.” Mamamasdan ng marami ang lakad mong matagumpay, pagpasok ng Diyos kong hari, sa may dako niyang banal. Sa unaha'y umaawit, tumutugtog sa hulihan, sa gitna'y nagtatamburin ang babaing karamihan. “Ang Diyos ay papurihan, kung magtipong sama-sama, buong lahi ng Israel papurihan ninyo siya!” Yaong lahi ni Benjamin, maliit ma'y nangunguna, kasunod ay mga puno at pulutong nitong Juda; mga puno ng Zebulun at Neftali'y kasunod na. Sana'y iyong ipadama ang taglay mong kalakasan, ang lakas na ginamit mo noong kami'y isanggalang. Magmula sa Jerusalem, sa iyong tahanang templo, na pati ang mga hari doo'y naghahandog sa iyo, pagwikaan mo ang hayop, ang mailap na Egipto; sabihan ang mga bansang parang torong may bisiro; hanggang sila ay sumuko, maghandog ng pilak sa iyo. Ang lahat ng maibigin sa digmaa'y ikalat mo! Mula roon sa Egipto, mga sugo ay darating, ang Etiopia'y daup-palad na sa Diyos dadalangin. Umawit sa Panginoon ang lahat ng kaharian, awitin ang pagpupuri't si Yahweh ay papurihan! (Selah) Purihin ang naglalakbay sa matandang kalangitan; mula roo'y maririnig ang malakas niyang sigaw! Ipahayag ng balana, taglay niyang kalakasan, siya'y hari ng Israel, maghahari siyang tunay; 'yang taglay niyang lakas ay buhat sa kalangitan. Kahanga-hanga ang Diyos sa santuwaryo niyang banal, siya ang Diyos ng Israel na sa tana'y nagbibigay ng kapangyariha't lakas na kanilang kailangan. Ang Diyos ay papurihan! O Diyos! Iligtas mo, iahon sa tubig sa pagkalubog kong abot na sa leeg; lumulubog ako sa burak at putik, at sa malalaking along nagngangalit. Ako ay malat na sa aking pagtawag, ang lalamunan ko, damdam ko'y may sugat; pati ang mata ko'y di na maidilat, sa paghihintay ko sa iyong paglingap. Silang napopoot nang walang dahilan, higit na marami sa buhok kong taglay; mga sinungaling na nagpaparatang, ang hangad sa akin ako ay mapatay. Ang pag-aari kong di naman ninakaw, nais nilang kuni't dapat daw ibigay. Batid mo, O Diyos, naging baliw ako, ako'y nagkasala, di pa lingid sa iyo. Huwag mo pong tulutan na dahil sa akin, ang nagtitiwala sa iyo'y hiyain; Yahweh, Makapangyarihang Panginoon ng Israel! Huwag mo ring itulot, bigyang kahihiyan ang nagsisisamba sa iyong pangalan. Ako ay nilait nang dahil sa iyo, napahiyang lubos sa kabiguan ko. Sa mga kapatid parang ako'y iba, kasambahay ko na'y di pa ako kilala. Ang malasakit ko sa iyong tahanan, matinding-matindi sa aking kalooban; ako ang nakaranas, paghamak sa iyong pangalan. Nagpapakumbabá akong nag-ayuno, at ako'y hinamak ng maraming tao; ang suot kong damit, na aking panluksa, ay pinagtawana't hinamak na lubha. Sa mga lansanga'y ako ang usapan, ang awit ng lasing sa aki'y pag-uyam. Ngunit sa ganang akin, ako'y dadalangin, sa iyo, O Yahweh, sana'y iyong dinggin sa mga panahon na iyong ibigin. Dahil sa dakilang pag-ibig sa akin, ang iyong pangakong pagtubos ay gawin. Iligtas mo ako, ako ay sagipin, sa putik na ito't tubig na malalim; sa mga kaaway, ako'y iligtas din. Huwag mong tulutang ako ay maanod, o dalhin sa malalim at baka malunod; hahantong sa libing, ako pagkatapos. Yahweh, sa buti mo't pag-ibig sa akin, sa aking pagtawag ako sana'y dinggin, sa pagkahabag mo, ako ay lingapin. Ang iyong alipi'y huwag mong pagkublihan, ibsan mo na ako sa bigat ng pasan. Iligtas mo ako, ako ay lapitan; sagipin mo ako sa mga kaaway. Kinukutya ako, iya'y iyong alam, sinisiraang-puri't nilalapastangan; di lingid sa iyo, lahat kong kaaway. Puso ko'y durog na dahilan sa kutya, kaya naman ako'y wala nang magawâ; ang inasahan kong awa ay nawala, ni walang umaliw sa buhay kong abâ. Sa halip na pagkain, nang ako'y magutom, ang dulot sa aki'y mabagsik na lason. Suka at di tubig ang ipinainom. O bumagsak sana sila at masira, habang nagdiriwang sila't naghahanda. Bulagin mo sila't nang di makakita, papanghinain mo ang katawan nila. Ibuhos ang iyong galit sa kanila, bayaan mong ito'y kanilang madama. Mga kampo nila sana ay iwanan, at walang matira na isa mang buháy. Ang mga nagtamo ng iyong parusa, nilalait-lait, inuusig nila; pinag-uusapan sa tuwi-tuwina, ang sinugatan mo't hirap na sa dusa. Itala mong lahat ang kanilang sala, sa mangaliligtas, huwag silang isama. Sa aklat ng buhay, burahin ang ngalan, at huwag mong isama sa iyong talaan. Naghihirap ako't mahapdi ang sugat, O Diyos, ingatan mo, ako ay iligtas! Pupurihin ang Diyos, aking aawitan, dadakilain ko't pasasalamatan. Sa ganitong diwa ika'y nalulugod, higit pa sa haing torong ihahandog, higit pa sa bakang ipagkakaloob. Kung makita ito nitong mga dukha, sila ay sasamba sa laki ng tuwa. Dinirinig ng Diyos ang may kailangan, lingkod na bilanggo'y di nalilimutan. Ang Diyos ay purihin ng langit at lupa, maging karagata't naroong nilikha! Ang Lunsod ng Zion, kanyang ililigtas, bayang nasa Juda'y muling itatatag; doon mananahan ang mga hinirang, ang lupain doo'y aariing tunay. Magmamana nito'y yaong lahi nila, may pag-ibig sa Diyos ang doo'y titira. Iligtas mo ako ngayon, Yahweh, ako ay iligtas, tulungan mo ako, O Diyos, nang di mapahamak! Mga taong nagtatangkang kumitil sa aking buhay, bayaan mong mangalito't mag-ani ng kabiguan; iyon namang natutuwa sa taglay kong kahirapan, bayaan mong mapahiya at magapi ng kalaban. Sila namang ang layunin ay magtawa at mangutya, sa kanilang pagkatalo, bayaan ding mapahiya. Ang lahat ng lumalapit sa iyo ay magkatuwa, gayon din ang nagmamahal sa pagtubos mong ginawa, at sabihing lagi nila: “O Diyos, ikaw ay dakila!” Lubos akong naghihirap, tunay na nanghihina, lumapit ka sana agad, O Diyos, sana'y lumapit ka; O aking tagapagligtas, katulong ko sa tuwina, huwag mo akong paghintayin, Yahweh, sana'y mahabag ka! Sa iyo lang, Panginoon, lubos akong nananalig, huwag mo akong pabayaang mapahiya at malupig. Tulungan mo po ako sapagkat ikaw ay matuwid, ako sana ay sagipin, sa daing ko ay makinig. Ikaw nawa ang muog ko, aking ligtas na kanlungan, matatag na kublihan ko at matibay na sanggalang. Sa lahat ng masasama, O Diyos, ako'y ipaglaban, sa kuko ng mababagsik, huwag mo akong pabayaan. Panginoon, sa iyo ko inilagak ang pag-asa, maliit pang bata ako, sa iyo'y may tiwala na. Sa simula at mula pa wala akong inasahang sa akin ay mag-iingat, kundi tanging ikaw lamang; kaya naman ikaw, Yahweh, pupurihin araw-araw. Sa marami ang buhay ko ay buhay na mahiwaga, malakas kang katulong ko na di nila maunawa; kaya ako'y nagpupuri, nagpupuri buong araw, akin ngayong ihahayag ang taglay mong karangalan. Ngayong ako'y matanda na huwag mo akong pabayaan, katawan ko'y mahina na kaya ako'y huwag iiwan. Ang lahat ng kaaway ko, nais ako ay patayin, ang palaging balak nila ay ako ang kalabanin. Ang kanilang sinasabi, ako raw ay iniwanan, iniwan na ako ng Diyos, kaya nila sinusundan; ako raw ay mabibihag dahil wala nang sanggalang. Panginoon at aking Diyos, huwag mo akong lalayuan, lumapit ka sa piling ko't ako ngayon ay tulungan! Nawa silang naghahangad na ako ay salakayin, lahat sila ay mawasak, at mabigo ang layunin! Maging yaong mga taong tanging nais ako'y saktan, mapahamak sanang lahat, mag-ani ng kahihiyan. Ako naman, samantala ay patuloy na aasa, patuloy na magpupuri, pupurihin ka tuwina. Pagkat ikaw ay dakila, patuloy kong isasaysay, maghapon kong ihahayag ang dulot mong kaligtasan; hindi ko man nalalaman kung paanong ito'y gawin. Pagkat ikaw, Panginoong Yahweh, malakas at makatuwiran, ihahayag ko sa madla, katangiang iyo lamang. Mula pa sa pagkabata ako'y iyong tinuruan, hanggang ngayo'y hinahayag ang gawa mong kabutihan. Matanda na't puti na ang aking buhok, huwag akong iiwanan, ang samo ko sa iyo, O Diyos. Hayaan mong ihayag ko ang lakas mong tinataglay, samahan sa bawat lahing sa daigdig ay lilitaw. Dakila ka, Panginoon, matuwid ka hanggang langit, dakila ang ginawa mo at wala kang makaparis. Kahit na nga dinanas ko ang hirap at madlang sakit, subalit ang aking lakas ay muli mong ibinalik, upang ako'y di tuluyang sa libingan ay mabulid. Tutulungan mo po ako at karangala'y dadagdagan, ako'y muli mong aliwin; iahon sa kahirapan. Tutugtugin ko ang alpa't pupurihin kitang tunay, pupurihin kita, O Diyos, dahil sa iyong katapatan. Mga imno ng papuri sa alpa ko'y tutugtugin, iuukol ko ang tugtog sa iyo, Banal na Diyos ng Israel. Habang ako'y tumutugtog ay sisigaw na may galak, masigla kong aawiting: “Ako'y iyong iniligtas.” Maghapon kong isasaysay, O Diyos, ang iyong katarungan, yamang lahat na nagtangka, sa lingkod mo ay nasaktan, lahat sila ay nabigo't humantong sa kahihiyan. Turuan mo po ang haring humatol nang makat'wiran, sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya'y bahaginan; nang matuwid na tuparin tungkulin sa iyong bayan, at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay. Ang lupain nawa niya'y umunlad at managana; maghari ang katarungan sa lupain nitong bansa. Maging tapat itong hari sa paghatol sa mahirap, mga nangangailangan, pag-ukulan ng paglingap; at ang nang-aapi ay lupigin at ibagsak. Nawa sila ay maglingkod, silang lahat mong hinirang, hangga't araw sumisikat, hangga't buwa'y sumisilang. Ang hari sana'y matulad sa ulan ng kaparangan; bumubuhos, dumidilig sa lahat ng nabubuhay. At ang buhay na matuwid sa kanyang kapanahunan, maghari sa bansa niya't umunlad kailanpaman. Nawa kanyang kaharian ay lubusan ngang lumawak, mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat. Sa harap niya ay susuko mga taong nasa ilang; isubsob nga sa lupa, lahat ng kanyang kaaway. Mga haring nasa pulo at naroon sa Espanya, maghahandog ng kaloob upang parangalan siya. Pati rin ang mga hari ng Arabia at Etiopia, may mga kaloob ding ibibigay sa kanya. Ang lahat ng mga hari, gagalang sa harap niya, mga bansa'y magpupuri't maglilingkod sa tuwina. Kanyang inililigtas ang mga dukhang tumatawag, lalo na ang nalimutan, mga taong mahihirap; sa ganitong mga tao siya'y lubhang nahahabag; sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas. Inaagaw niya sila sa kamay ng mararahas, sa kanya ang buhay nila'y mahalagang hindi hamak. Pagpalain itong hari! Siya nawa ay mabuhay! At magbuhat sa Arabia'y magtamo ng gintong-yaman; sa tuwina siya nawa'y idalangin nitong bayan, kalingain nawa ng Diyos, pagpalain habang buhay. Sa lupai'y sumagana nawang lagi ang pagkain; ang lahat ng kaburulan ay mapuno ng pananim at matulad sa Lebanon na mauunlad ang lupain. At ang kanyang mga lunsod, dumami ang mamamayan, sindami ng mga damong tumubo sa kaparangan. Nawa ang kanyang pangalan ay huwag nang malimutan, manatiling bantog hangga't sumisikat itong araw. Nawa siya ay purihin ng lahat ng mga bansa, at sa Diyos, silang lahat dumalanging: “Harinawa, pagpalain kaming lahat, tulad niyang pinagpala.” Si Yahweh, Diyos ng Israel, purihin ng taong madla; ang kahanga-hangang bagay tanging siya ang may gawa. Ang dakilang ngalan niya ay purihin kailanman, at siya ay dakilain nitong buong sanlibutan! Amen! Amen! Ito ang wakas ng mga dalangin ni David, na anak ni Jesse. Kay buti ng Diyos sa taong matuwid, sa lahat ng taong ang puso'y malinis. Ngunit ang sarili'y halos bumagsak, sa paghakbang ko'y muntik nang madulas! Sa taong mayabang, ako'y naiinggit nga, at sa biglang yaman ng mga masama. Ni hindi nagdanas ng anumang hirap, sila'y masisigla't katawa'y malakas. Di tulad ng ibang naghirap nang labis, di nila dinanas ang buhay na gipit. Ang pagmamalaki ay kinukuwintas, at ang dinaramit nila'y pandarahas. Ang tibok ng puso'y pawang kasamaan, at masasama rin ang nasa isipan; mga ibang tao'y pinagtatawanan, ang yayabang nila, ang layon sa buhay ay ang pang-aapi sa kapwa nilalang. Diyos mang nasa langit ay tinutungayaw, labis kung mag-utos sa mga nilalang; kaya sumusunod pati lingkod ng Diyos, anumang sabihi'y paniwalang lubos. Ang sabi, “Ang Diyos walang nalalaman, walang malay yaong Kataas-taasan.” Ang mga masama'y ito ang kagaya, di na kinukulang ay naghahanap pa. Samantalang ako, malinis ang palad, hindi nagkasala't lubos na nag-ingat, at aking natamo'y kabiguang lahat. Diyos, pinagtiis mo ako ng hirap, sa tuwing umaga'y parusa ang gawad. Kung ang mga ito'y aking sasabihin, sa mga lingkod mo, ako'y magtataksil; kaya't sinikap kong ito'y saliksikin, mahirap-hirap mang ito'y unawain. Gayunman, sa templo'y doon ko natuklas, na ang masasama ay mapapahamak; dinala mo sila sa dakong madulas, upang malubos na, kanilang pagbagsak; walang abug-abog sila ay nawasak, kakila-kilabot yaong naging wakas! Parang panaginip nang ako'y magising, pati anyo nila'y nalimutan na rin. Nang ang aking isip hindi mapalagay, at ang damdamin ko'y labis na nasaktan, di ko maunawa, para akong tanga, sa iyong harapa'y hayop ang kagaya. Gayon pa ma'y sinasamahan mo ako, sa aking paglakad ay inaakay mo. Ang mga payo mo'y umakay sa akin, marangal na ako'y iyong tatanggapin. Sino pa sa langit, kundi ikaw lamang, at maging sa lupa'y, aking kailangan? Puso ko't kaluluwa kung nanghihina man, ang Diyos ang lakas kong tanging kailangan. Yaong hihiwalay sa iyo'y mamamatay, at ang nagtataksil wawasaking tunay. Ngunit sa sarili, tanging hangarin ko, sa piling ng Diyos manatili ako! Sa piling ng Panginoong Yahweh, ako'y mapanatag, ang kanyang ginawa'y aking ihahayag. Panginoon bakit kami'y itinakwil habang buhay? Bakit ka ba nagagalit sa tupa ng iyong kawan? Iyo sanang gunitain ang tinipon mo no'ng una, itong lahing tinubos mo't itinakda na magmana; pati ang Zion na iyong dating tirahan. Lapitan mo ang naiwan sa winasak ng kaaway. Ang guho ng santuwaryo mo na sinira nang lubusan. Ang loob ng iyong templo'y hindi nila iginalang, sumisigaw na nagtayo ng kanilang diyus-diyosan. Ang lahat ng nasa loob na yari sa mga kahoy, magmula sa pintuan mo'y sinibak at pinalakol. Ang lahat ng inukitang mga kahoy sa paligid, pinalakol at dinurog ng kaaway na malupit. Ang iyong banal na santuwaryo ay kanilang sinigaan, nilapastangan nila't winasak ang templong banal. Sa kanilang pag-uusap ay nagpasya ng ganito, “Hindi natin sila titigilan hanggang di pa natatalo;” kaya sa buong lupain, ang tagpuan ng bayan mo, para ikaw ay sambahin, sinunog at naging abo. Wala kaming pangitain, ni propetang naglilingkod, ang ganitong kalagaya'y hindi namin maunawaan, hindi namin nalalaman kung kailan matatapos. Hanggang kailan, aming Diyos, magtatawa ang kaaway, ang paghamak nila sa iyo, ito ba ay walang hanggan? Huwag mo nang pipigilan, gamitin mo ang iyong bisig, kanang kamay mo'y ikilos, kaaway mo ay iligpit. Simula pa noong una ikaw na ang aming Hari, O Diyos. Sa daigdig ay maraming iniligtas ka't tinubos. Sa lakas na iyong taglay hinati mo yaong dagat, at ang mga naroroong dambuhala ay inutas; ikaw na rin ang dumurog sa mga ulo ng Leviatan, at ginawa mong pagkain ng mga nilikhang nasa ilang. Mga batis, mga bukal, ikaw rin ang nagpadaloy, ginawa mong tuyong lupa ang maraming ilog doon. Nilikha mo yaong araw, nilikha mo pati gabi, nilikha mo yaong araw, buwa't talang anong dami. Ang hangganan ng daigdig ay ikaw rin ang naglagay, at ikaw rin ang lumikha ng taglamig at tag-araw. Ngunit iyong gunitaing nagtatawa ang kaaway, yaong mga masasama'y dumudusta sa iyong ngalan; huwag mo sanang tutulutan na ang iyong mga lingkod maiwan sa kaaway na ang kamay walang taros, sa kanilang pagdurusa'y gunitain silang lubos. Yaong tipang ginawa mo ay huwag mong lilimutin, ang masama'y naglipana sa pook na madidilim, laganap ang karahasan kahit saan sa lupain! Huwag mo sanang itutulot na ang api'y mapahiya, bayaan mong ang ngalan mo'y purihin ng dukha't abâ. Kami'y iyong ipaglaban, aming Diyos, bumangon ka! Pagmasdan mo yaong hangal na maghapong nagtatawa. Ang hangarin ng kaaway ay huwag mong lilimutin, ang sigaw ng kaaway mo'y patuloy at walang tigil. Salamat, O Diyos, maraming salamat, sa iyong pangalan kami'y tumatawag, upang gunitain sa lahat ng oras ang mga gawa mo na kahanga-hanga. Wika ng Panginoon, “Sa takdang panahon, walang pagtatanging ako ay hahatol. Itong mundong ito'y kahit na mayanig, maubos ang tao dito sa daigdig, ang saligan nito'y aking ititindig.” (Selah) “Sabi ko sa hambog sila ay mag-ingat, at ang masasama'y huwag magpasikat. Ang pagmamalaki'y dapat na iwasan, kung magsasalita'y gawing malumanay.” Hindi sa silangan, hindi sa kanluran, hindi rin sa timog o sa hilaga man magmumula, hatol na inaasahan. Tanging Diyos lamang ang siyang hahatol, sa mapapahamak o sa magtatagumpay. Si Yahweh na Diyos ay may kopang hawak, sariwa't matapang yaong lamang alak; ipauubaya niyang ito'y tunggain ng taong masama, hanggang sa ubusin. Subalit ako ay laging magagalak; ang Diyos ni Jacob, aking itataas. Lakas ng masama'y papatiding lahat, sa mga matuwid nama'y itataas! Tunay na si Yahweh'y kilala sa Juda, sa buong Israel, dakilang talaga; nasa Jerusalem ang tahanan niya, sa Bundok ng Zion, doon tumitira. Lahat ng sandata ng mga kaaway, mga pana't sundang, baluting sanggalang, doon niya sinirang walang pakundangan. (Selah) O Diyos, dakila ka, ikaw ay maringal higit pa sa matatag na kabundukan. Walang magawâ, matatapang na kawal, binawi ng Diyos ang taglay na samsam; nahihimbing sila at nakahandusay, mga lakas nila, lahat ay pumanaw. Nang ika'y magalit, O Diyos ni Jacob, sakay at kabayo'y pawang nangalugmok. Ikaw, O Yahweh, kinatatakutan! Sino ang tatayo sa iyong harapan kapag nagalit ka sa mga kinapal? Sa iyong paghatol na mula sa langit, ang lahat sa mundo'y takot at tahimik. Nang ika'y tumayo't gawin ang paglitis, naligtas ang mga api sa daigdig. (Selah) Ang matinding galit sa iyo ng tao, hahantong na lahat sa pagpuri sa iyo. Silang nangaligtas sa mga labanan, laging magpupuri at mangagdiriwang. Mga pangako mo kay Yahweh, iyong Diyos, ay iyong tuparin nang tapat sa loob; dapat na magdala ng mga kaloob ang lahat ng bansa sa iyong palibot. Hambog na prinsipe ay ibinababâ, tinatakot niya hari mang dakila. Sa Diyos ako ay tumawag, at dumaing nang malakas, ganoon ang aking daing upang ako'y dinggin agad. Hinanap ko'y Panginoon sa panahong may bagabag, hindi ako napagod, dumalangin na magdamag, ngunit di ko nasumpungan ang aliw kong hinahangad. Nagunita ko ang Diyos, kaya ako ay dumaing, ako'y nagdidili-dili ngunit ako'y bigo pa rin. (Selah) Hindi ako patulugin, waring ito ay parusa, hindi ako makaimik, pagkat ako ay balisa. Nagbalik sa gunita ko ang nagdaang mga araw, nanariwa sa isip ko ang panahong nakaraan; ako'y nagbubulay-bulay sa silid ko gabi-gabi, ang diwa ko ay gising at tinatanong ang sarili: “Ako baga, Panginoo'y lubusan mong itatakwil? Di mo na ba ibabalik sa akin ang iyong pagtingin? Ang iyo bang pagmamahal sa amin ay nagwakas na? Hindi na ba maaaring sa pangako mo'y umasa? Yaong kagandahang-loob mo ba ay nakalimutan mo na? Dahilan sa iyong galit, ang awa mo'y wala na ba?” (Selah) Ganito ang aking sabi: “Ang sakit ng aking loob, para bagang mahina na't walang lakas ang aking Diyos.” Kaya aking babalikang gunitain ang ginawa, ang maraming ginawa mong tunay na kahanga-hanga. Sa lahat ng ginawa mo, ako'y magbubulay-bulay, magbubulay-bulay ako, sa diwa ko at isipan. Ang daan mo, Panginoon, ay tunay na daang banal, at wala nang ibang diyos na sa iyo'y ipapantay. Ikaw ang Diyos na ang gawa'y tunay na kahanga-hanga, iyang kadakilaan mo'y nahayag na sa nilikha. Dahilan sa iyong lakas, mga hirang mo'y natubos, ang lahat ng mga angkan ni Jose at ni Jacob. (Selah) Noong ikaw ay makita ng maraming mga tubig, pati yaong kalaliman ay natakot at nanginig. Magmula sa mga ulap mga ulan ay bumuhos, at mula sa papawirin, nanggaling ang mga kulog na katulad ay palasong sumisibat sa palibot. Dagundong na gumugulong ang ingay na idinulot, ang guhit ng mga kidlat ay tanglaw sa sansinukob; pati mundo ay nayanig na para bang natatakot. Ang landas mong dinaraana'y malawak na karagatan, ang daan mong tinatahak ay dagat na kalawakan; ngunit walang makakita ng bakas mong iniiwan. Ikaw, O Diyos, ang nanguna sa bayan mong parang kawan, si Moises at si Aaron yaong iyong naging kamay! Kayo ngayon ay makinig sa turo ko, mga anak, inyong dinggi't ulinigin, salita kong binibigkas. Itong aking sasabihin ay bagay na talinhaga, nangyari pa noong una, kaya ito'y mahiwaga. Ito'y aming narinig na, kaya naman aming alam, nagbuhat sa aming nuno na sa ami'y isinaysay. Sa sarili naming anak ito'y hindi ililihim, ito'y aming isasaysay sa sunod na lahi namin; mga gawang tinutukoy ay lubhang kahanga-hanga na si Yahweh ang gumanap, mga gawa niyang dakila. Mayro'n siyang patotoo na kay Jacob itinatag, mayro'n siyang kautusang sa Israel iniatas; ang utos sa ating nuno, dapat nilang ipatupad, ituturong lagi ito, sa kanilang mga anak. Sa lahat ng lahi nila ito'y dapat na iaral, at ang angkang susunod pa ay marapat na turuan. Sa ganito, masusunod nilang lagi yaong utos, ang matatag na pag-asa'y ilalagak nila sa Diyos, at ang dakila niyang gawa'y hindi nila malilimot. Sa kanilang mga nuno, hindi dapat na pumaris, na matigas ang damdaming sa Diyos ay naghimagsik; isang lahing di marunong magtiwala at magtiis, ang pag-asa ay marupok at kulang ang pananalig. Tulad ng Efraimita, mga pana ang sandata, sa panahon ng labana'y nagsitakas pa rin sila. Ang tipan sa Panginoo'y hindi nila sinusunod, hindi sila lumalakad nang ayon sa mga utos. Nakalimutan na nila ang lahat ng kabutihan, mga gawa ng ating Diyos na kanilang hinangaan. Ang lahat ng gawang ito, noong una'y nasaksihan, ang nangyari sa Egipto, sa lupain nitong Zoan, hinawi niya yaong dagat, doon sila pinaraan, ang tubig sa magkabila'y parang pader kung pagmasdan. Kapag araw, sa paglakad naging gabay nila'y ulap, at kung gabi naman, tanglaw ay apoy na maliwanag. May tubig na iniinom kahit sila nasa ilang, sa batuha'y umaagos na likas sa kalaliman. Mula roon sa batuhan, ang tubig ay umaagos, daloy nito kung pagmasdan, katulad ay isang ilog. Ngunit sila'y patuloy rin sa kanilang kasalanan, sinusuway nila ang Diyos habang sila'y nasa ilang. Sadya nilang sinusubok, ginagalit nila ang Diyos; ang hiningi ay pagkaing gustung-gusto nilang lubos. Kinalaban nila ang Diyos nang sabihin ang ganito: “Sa gitna ba nitong ilang mabubusog niya tayo? Nang hampasin yaong bato, oo't tubig ay bumukal, dumaloy ang mga batis, tubig doon ay umapaw; ngunit ito yaong tanong, tayo kaya'y mabibigyan ng tinapay na masarap at ng karneng kailangan?” Nang marinig ang ganito, si Yahweh nama'y nag-init, sa hinirang niyang bansa'y nag-apoy ang kanyang galit. Pagkat sila ay ayaw nang sa Diyos ay magtiwala, sa pangakong pagliligtas ay ayaw nang maniwala. Gayon pa man, itong Diyos nag-utos sa kalangitan, at ang mga pinto nito'y agad-agad na nabuksan. Bunga nito, ang pagkai'y bumuhos na parang ulan, ang pagkain nilang manna, sa kanila'y ibinigay. Ang kaloob na pagkai'y pagkain ng mga anghel, hindi sila nagkukulang, masagana kung dumating. Yaong ihip ng amihan, ay siya rin ang nag-utos, sa taglay na lakas niya'y dumating ang hanging timog. Ang pagkain nilang karne'y masaganang dumarating, makapal na mga ibon na sindami ng buhangin. Sa gitna ng kampo nila ay doon na bumabagsak, sa palibot ng tolda ay doon nila kinakalap. Kinakain nila ito, nasisiyahan silang lahat, binibigyan sila ng Diyos ng pagkaing hinahangad. Ngunit habang kinakain ang pagkaing idinulot, at hindi pa tumitigil pagkat di pa nabubusog, pagkagalit sa nangyari, ipinakita ng Diyos, sa kanilang kabataan, parusa niya'y ibinuhos; ang mga malalakas at mga magagaling, buhay nila'y tinapos. Sa ganitong gawa ng Diyos, sunod-sunod na himala, ganti nila ay paglabag, hindi pa rin naniwala. Kaya't yaong pasya ng Diyos, ang araw ay wakasan na, bigla-biglang paratingin sa kanila ang parusa. Subalit noong sila ay lilipulin na ng Diyos, nagsisi ang karamiha't sa kanya'y nagbalik-loob. Noon nila nagunitang ang sanggalang nila'y ang Diyos, ang Kataas-taasang Diyos ay kanilang Manunubos. Kaya't siya ay pinuri, ng papuring hindi tapat, pagkat yao'y pakunwari't balatkayong matatawag. Sa kanilang mga puso, naghahari'y kataksilan, hindi sila naging tapat sa ginawa niyang tipan. Gayon pa man, palibhasa'y Diyos siyang mahabagin, ang masamang gawa nila'y kanyang pinatawad pa rin; dahilan sa pag-ibig niya'y hindi sila wawasakin, kung siya ma'y nagagalit, ito'y kanyang pinipigil. Nagunita pa ni Yahweh, sila'y mga tao lamang, hanging di na nagbabalik matapos na makaraan. Madalas na nag-aalsa noong sila'y nasa ilang; ang ganitong gawa nila'y labis niyang dinaramdam. Lagi siyang sinusubok, hindi sila tumitigil, ginagalit nilang lagi itong Banal na Diyos ng Israel. Ang kapangyarihan niya'y ayaw nilang gunitain, gayong sila'y iniligtas sa kaaway nilang taksil. Ang ginawa nitong Diyos na lubos na hinangaan, ay nangyari sa Egipto sa lupain nitong Zoan. Yaong mga ilog doo'y naging dugong umaagos, kaya walang makainom sa batis at mga ilog. Makapal na mga langaw at palaka ang dumating, nataranta silang lahat, di malaman ang gagawin. Dumating ang maninira sa taniman ng halaman, mga tanim ay kinain ng balang na di mabilang. Pati tanim na ubasa'y winasak ng ulang yelo, anupa't sa kalamiga'y namatay ang sikamoro. Nang ulanin na ng yelo, mga baka ay namatay, sa talim ng mga kidlat namatay ang mga kawan. Sa ganito ay nadama ang matinding poot ng Diyos, kaya sila ay winasak sa sama ng kanyang loob, mga anghel ang gumanap ng parusang sunod-sunod. Ang matinding galit ng Diyos hindi niya pinigilan, yaong naging wakas nila'y humantong sa kamatayan; dahilan sa isang salot, buhay nila ay pumanaw. Yaong lahat na panganay sa Egipto ay pinatay, ang panganay na lalaki sa Egiptong lahi ni Ham. Tinipon ang kanyang hirang na animo'y mga tupa, inakay sa lupaing ilang sa kanyang pangunguna. Inakay nga at naligtas, kaya naman di natakot, samantalang ang kanilang kaaway ay nangalunod. Inihatid sila ng Diyos sa lupain niyang banal, sa bundok na mismong siya ang kumuha sa kaaway. Itinaboy niyang lahat ang naroong namamayan, pinaghati-hati niya ang lupaing naiwanan; sa kanilang mga tolda ang Israel ay nanahan. Ngunit sila'y naghimagsik sa Kataas-taasang Diyos, hindi nila iginalang ang kanyang mga utos; katulad ng nuno nila sila'y kusang tumalikod, nagtaksil na wari'y panang lumipad nang walang taros. Nanibugho itong Diyos, sa kanila ay nagalit, nang makita ang dambana ng larawang iniukit. Sumama ang loob niya noong ito ay mamasid, itinakwil ang Israel sa tindi ng kanyang galit. Kaya't kanyang iniwanan ang tahanang nasa Shilo, yaong toldang tirahan niya sa gitna ng mga tao. Sagisag ng kanyang lakas, ang Kaban ng kanyang Tipan, binayaan na mahulog at makuha ng kaaway. Nagalit sa kanyang baya't ibinigay sa kaaway, kaya naman ang marami sa kanila ay namatay. Kanilang mga binata ay nasawi sa labanan, dalaga mang magaganda'y wala nang mapangasawa. Pati mga pari nila, sa patalim ay napuksa, ang kanilang mga balo'y ni ayaw nang magluksa. Parang tulog na gumising, si Yahweh ay nagbangon, ang katawan ay masigla, tumayo ang Panginoon; parang taong nagpainit sa alak na iniinom. Pinaurong ang kaaway, lahat niyang katunggali, napahiya silang lahat, pawang galit na umuwi. Maging ang lahi ni Jose, sadya niyang itinakwil, at di niya pinagbigyan pati lahi ni Efraim. Sa halip, pinili niya'y ang sambahayan ni Juda, at ang bundok naman ng Zion ang tirahang minahal niya. Doon niya itinayo yaong banal na santuwaryo, katulad ng nasa langit na tahanan niyang dako; lubos niyang pinatatag na tulad ng mundong ito. Ang kinuhang pangunahi'y sa mahirap pa hinugot, isang pastol ang napili, si David na kanyang lingkod. Ang alagang dati nito ay kawan ng mga hayop, nang maghari sa Israel, nanguna sa bayan ng Diyos. Matuwid na namahala, namalakad na mahusay, lubos silang kinalinga sa tulong niya at patnubay. O Diyos, pinasok ng Hentil ang lupang pangako, hayo't iyong masdan! Winasak ang lunsod, ang banal mong templo ay nilapastangan; ang mga katawan ng mga lingkod mo ay ginawang pagkain ng mga ibon, ang kanilang laman, sa mga halimaw ay ipinalamon. Dugo ng bayan mo'y ibinubo nila, sa buong palibot nitong Jerusalem, katulad ay tubig; sa dami ng patay ay walang maglibing. Ang karatig-bansang doo'y nakasaksi, kami'y kinutya at nagtatawa sila, lahat sa palibot ay humahalakhak sa gayong nakita. Iyang iyong galit sa amin, O Yahweh, hanggang kailan ba kaya matatapos? Di na ba titigil ang pagkagalit mong sa ami'y tutupok? Doon mo ibaling ang matinding galit sa maraming bansang ayaw kang kilanlin, mga kahariang ang banal mong ngala'y ayaw na tawagin. Masdan ang ginawa nila sa bayan mo, ang mga lingkod mo ay pinatay nila, pati ang tahanan nila ay winasak, walang itinira. Huwag mong parusahan kaming mga anak, sa pagkakasala ng aming magulang, ikaw ay mahabag sa mga lingkod mong pag-asa'y pumanaw. Mahabag ka sana, kami ay tulungan, Diyos na aming Tagapagligtas, dahil sa ngalan mo, kaming nagkasala'y patawaring ganap; at sa karangalan ng iyong pangalan, kami ay iligtas. Bakit magtatanong itong mga bansa ng katagang ito: “Ang Diyos mo'y nasaan?” Ipaghiganti mo ang mga lingkod mong kanilang pinatay, ang pagpaparusa'y iyong ipakita sa iyong mga hirang. Iyong kahabagan ang mga bilanggong kanilang hinuli, dinggin mo ang daing, sa taglay mong lakas, iligtas mo silang takdang papatayin. Iyong parusahan yaong mga bansang sa iyo, O Yahweh, lumalapastangan, parusahan sila ng pitong ibayo sa gawang pag-uyam. Kaya nga, O Yahweh, kaming iyong lingkod, parang mga tupa sa iyong pastulan, magpupuring lagi't magpapasalamat sa iyong pangalan! Pastol ng Israel, ikaw na nanguna't umakay kay Jose, na tulad sa kawan, ikiling sa amin ang iyong pandinig, kami ay pakinggan; mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan. Ang iyong pag-ibig iyong ipadama sa angkan ni Efraim, Manases at Benjamin, sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, sa hirap ay tubusin! Ibalik mo kami, O Diyos, at ipadama mo ang iyong pagmamahal, iligtas mo kami, at sa iyong sinag kami ay tanglawan. Yahweh, Makapangyarihang Diyos, hanggang kailan ba patatagalin mo ang galit sa amin? Hanggang kailan pa diringgin mo kami sa aming dalangin? Masdan mo nga kami sa tuwi-tuwina'y tinapay ng luha yaong kinakain, luha ng hinagpis, ang inihanda mo na aming inumin. Ang mga bansa sa paligid, hinayaan mong kami ay kutyain, iyong pinayagang pagtawanan kami ng kaaway namin. Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat; tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas! Mula sa Egipto ikaw ay naglabas ng puno ng ubas, saka itinanim sa lupang dayuhan, matapos ang tao roo'y palayasin. Ngunit nilinis mo muna't pinagyaman ang piniling lugar na pagtataniman, doon ay nag-ugat, ang buong lupain ay nalaganapan. Nagsanga ang puno, lumagong mabuti at ang kabunduka'y kanyang naliliman, mga punong sedar, naliliman pati ng sangang malabay. Hanggang sa ibayo, sa ibayong dagat, ang sangang malabay nito'y nakaabot, pati mga ugat humabang mabuti't umabot sa Ilog. Bakit mo sinira? Sinira ang pader, kung kaya napasok nitong dumaraan, pinipitas tuloy yaong bunga nitong tanim na naturan. Mga baboy damong nagmula sa gubat, niluluray itong walang pakundangan, kinakain ito ng lahat ng hayop na nasa sa parang. Ika'y manumbalik, O Diyos na Dakila! Pagmasdan mo kami mula sa itaas, at ang punong ito'y muling pagyamanin, at iyong iligtas. Lumapit ka sana, ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas, yaong punong iyon na pinalago mo't iyong pinalakas! Ito ay sinunog, sinunog pa nila ang nasabing puno matapos maputol, sa galit mo't poot ay iyong harapin nang sila'y malipol. Ang mga lingkod mo ay iyong ingatan, yamang hinirang mo ay ipagsanggalang, iyong palakasin bilang isang bansang makapangyarihan! At kung magkagayon, magbabalik kami't di na magtataksil sa iyo kailanman, kami'y pasiglahi't aming pupurihin ang iyong pangalan. Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat; tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas! Masiglang awitan ang Tagapagligtas, itong Diyos ni Jacob, awitang may galak. Umawit sa saliw ng mga tamburin, kasabay ng tugtog ng lira at alpa. Hipan ang trumpeta tuwing nagdiriwang, kung buwan ay bago't nasa kabilugan. Pagkat sa Israel, ito'y isang utos, batas na ginawa ng Diyos ni Jacob. Sa mga hinirang, ang utos di'y ito nang sila'y ilabas sa bansang Egipto. Ganito ang wika na aking narinig: “Mabigat mong dala'y aking inaalis, ikaw ay iibsan sa pasan mong labis. Iniligtas kita sa gitna ng hirap, sinaklolohan ka nang ika'y tumawag; tinugon din kita sa gitna ng kidlat, at sinubok kita sa Batis Meriba. (Selah) Kapag nangungusap, ako'y inyong dinggin, sana'y makinig ka, O bansang Israel. Ang diyus-diyosa'y huwag mong paglingkuran, diyos ng ibang bansa'y di dapat yukuran. Ako ay si Yahweh, ako ang Diyos mo, ako ang tumubos sa iyo sa Egipto; pagkaing gustuhin ibibigay ko sa iyo. “Ngunit ang bayan ko'y hindi ako pansin, di ako sinunod ng bayang Israel, sa tigas ng puso, aking hinayaang ang sarili nilang gusto'y siyang sundan. Ang tangi kong hangad, sana ako'y sundin, sundin ang utos ko ng bayang Israel; ang kaaway nila'y aking lulupigin, lahat ng kaaway agad lilipulin. Silang namumuhi't sa aki'y napopoot, ay magsisiyuko sa laki ng takot, ang parusa nila'y walang pagkatapos. Ngunit ang mabuting bunga nitong trigo, ang siyang sa inyo'y ipapakain ko; at ang gusto ninyong masarap na pulot, ang siyang sa inyo'y aking idudulot.” Ang Diyos ang namumuno ng pulong sa kalangitan, sa pulong ng mga diyos, ganito ang kapasyahan: “Dapat ninyong itigil na, paghatol na hindi tama, tumigil na ng paghatol na panig sa masasama. (Selah) Bigyan ninyong katarungan ang mahina at ulila, at huwag ninyong aapihin ang mahirap at may dusa. Ang marapat na tulunga'y ang mahina at mahirap, sa kamay ng masasama sila'y dapat na iligtas! “Anong pagkamangmang ninyo, wala kayong nalalaman! Sa gitna ng kadilima'y doon kayo nananahan, sa ibabaw ng daigdig ay wala nang katarungan. Ang sabi ko, kayo'y diyos, anak ng Kataas-taasan, ngunit tulad nitong tao, lahat kayo'y mamamatay; katulad din ng prinsipe, papanaw ang inyong buhay.” O Diyos, ikaw ay magbangon at daigdig pagharian, ang lahat ng mga bansa ay hawak ng iyong kamay! Huwag kang manahimik, O Diyos, huwag kang magpabaya, ikaw ay kumilos. Hayun! Ang kaaway nagsisipag-alsa, at ang namumuhi'y kinakalaban ka. Sila'y nagbabalak laban sa hinirang, laban sa lahat ng iyong iningatan. Ganito ang sabi, “Ating papawiin, ang kanilang bansa'y ating lilipulin; upang ang Israel, malimutan na rin!” Nagkakaisang lahat, sila ay nagplano, kanilang pasya ay lumaban sa iyo. Ang lahi ni Edom at ang Ismaelita, Moab at Agarenos lahat nagkaisa. Ang Gebal at Ammon gayon din ang pasya, Amalek at Tiro at ang Filistia. Pati ang Asiria'y nakipagsabwatan, sa lahi ni Lot, nakipagtulungan. (Selah) Mga bansang ito'y iyong parusahan, tulad ng parusang ginawa sa Midian, kay Jabi't Siserang nalupig sa laban nang sa Ilog Kison, buhay winakasan. Pinatay lahat at ang hukbo'y nawasak, sa Endor, ang bangkay nila ay nagkalat. Yaong mga bantog nilang punong-kawal, kay Oreb at Zeeb iparis ang buhay. Lupigin mong lahat ang pinuno nila tulad ng sinapit ni Zeba't Zalmuna, sila ang nagsabing, “Ang pastulan ng Diyos ay ating kamkami't maging ating lubos.” Ikalat mo silang parang alikabok, tulad ng dayami na tangay ng unos. Tulad ng pagtupok ng apoy sa gubat, nang ang kaburula'y kubkob na ng ningas, gayon mo habulin ng bagyong malakas, ito ang gawin mo't nang sila'y masindak. Mga taong yaon sana'y hiyain mo, upang matutong maglingkod sa iyo. Lupigin mo sila't takuting lubusan, lubos mong hiyain hanggang sa mamatay. Sana ikaw, Yahweh, kanilang mabatid, ang tangi't dakilang hari ng daigdig! Mahal ko ang iyong templo, O Makapangyarihang Yahweh! Nasasabik ang lingkod mo na sa templo ay pumasok. Ang buo kong pagkatao'y umaawit na may lugod, sa masayang pag-awit ko pinupuri'y buháy na Diyos. Panginoon, sa templo mo, mga maya'y nagpupugad, maging ibong layang-layang sa templo mo'y nagagalak, may inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar; O Yahweh, hari namin at Diyos na walang hanggan. Mapalad na masasabi, silang doo'y tumatahan at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan. (Selah) Ang sa iyo umaasa'y masasabing mapalad din, silang mga naghahangad, sa Zion ay makarating. Habang sila'y naglalakbay sa tigang na kapatagan, tuyong lupa'y binabaha sa maagap na pag-ulan. Habang sila'y lumalakad, lalo silang lumalakas, batid nilang nasa Zion ang Diyos nilang hinahanap. Dinggin mo ang dalangin ko, O Yahweh, Makapangyarihang Diyos, O ikaw na Diyos ni Jacob, dinggin mo ang iyong lingkod. (Selah) Basbasan mo, aming Diyos, itong hari naming mahal, pagpalain mo po siya pagkat ikaw ang humirang. Kahit isang araw lamang, mas gusto ko sa templo mo, kaysa isang libong araw na iba ang tahanan ko. Gusto ko pang maging bantay sa pinto ng iyong templo, kaysa ako'y tumira sa bahay ng mga palalo. Pagkat ang Panginoong Yahweh, pag-asa at sanggalang, kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal. Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal. O Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ang magtiwala sa iyo'y masasabing mapalad! Ikaw po, O Yahweh, naging mapagbigay sa iyong lupain, pinasagana mo't muling pinaunlad ang bansang Israel. Yaong kasamaan ng mga anak mo'y nilimot mong tunay, pinatawad sila sa nagawa nilang mga kasalanan. (Selah) Ang taglay mong poot sa ginawa nila'y iyo nang inalis, tinalikdan mo na at iyong nilimot ang matinding galit. Panumbalikin mo kami, Diyos ng aming kaligtasan, ang pagkamuhi sa amin ay iyo nang wakasan. Ang pagkagalit mo at poot sa ami'y wala bang hangganan? Di na ba lulubag, di ba matatapos ang galit mong iyan? Ibangon mo kami, sana'y ibalik mo ang nawalang lakas, at kaming lingkod mo ay pupurihin ka na taglay ang galak. Kaya ngayon, Yahweh, ipakita mo na ang pag-ibig mong wagas. Kami ay lingapin at sa kahirapan ay iyong iligtas. Aking naririnig mga pahayag na kay Yahweh nagmula; sinasabi niyang ang mga lingkod niya'y magiging payapa, kung magsisisi at di na babalik sa gawang masama. Ang nagpaparangal sa pangalan niya'y kanyang ililigtas, sa ating lupain ay mananatili ang kanyang paglingap. Ang katapatan at pag-ibig ay magdadaup-palad, ang kapayapaan at ang katuwira'y magsasamang ganap. Sa balat ng lupa'y sadyang maghahari itong katapatan, mula sa itaas, maghahari naman itong katarungan. Gagawing maunlad ng Diyos na si Yahweh itong ating buhay, ang mga halaman sa ating lupai'y bubungang mainam; ang katarunga'y mauuna sa kanyang daraanan, kanyang mga yapak, magiging bakas na kanilang susundan. Sa aking dalangin, ako'y iyong dinggin, tugunin mo, Yahweh, ang aking pagdaing; ako'y mahina na't wala nang tumingin. Pagkat tapat sa iyo, buhay ko'y ingatan, lingkod mo'y iligtas sa kapahamakan pagkat may tiwala sa iyo kailanman. Ikaw ang aking Diyos, ako'y kahabagan, sa buong maghapo'y siyang tinatawagan. Panginoon, lingkod mo'y dulutan ng galak, pagkat sa iyo kaluluwa'y tumatawag. Mapagpatawad ka at napakabuti; sa dumadalangin at sa nagsisisi, ang iyong pag-ibig ay mananatili. Pakinggan mo, Yahweh, ang aking dalangin, tulungan mo na po, ako'y iyong dinggin. Dumaraing ako kapag mayro'ng bagabag, iyong tinutugon ang aking pagtawag. Sa sinumang diyos wala kang kawangis, sa iyong gawai'y walang makaparis. Ang lahat ng bansa na iyong nilalang, lalapit sa iyo't magbibigay galang; sila'y magpupuri sa iyong pangalan. Pagkat ikaw lamang ang Diyos na dakila na anumang gawin ay kahanga-hanga! Ang kalooban mo'y ituro sa akin, at tapat ang puso ko na ito'y susundin; turuang maglingkod nang buong taimtim. O Panginoong Diyos, buong puso'y laan, pupurihin kita magpakailanman at ihahayag ko, iyong kadakilaan. O pagkadakila! Pag-ibig mong wagas, dahil sa pag-ibig, ako'y iniligtas; di hinayaang masadlak sa daigdig ng mga patay. Mayroong mga taong ayaw kang kilanlin, taong mararahas, na ang adhikain ay labanan ako't ang buhay ay kitlin. Ngunit ikaw, Panginoon, tunay na mabait, wagas ang pag-ibig, di madaling magalit, lubhang mahabagi't banayad magalit. Pansinin mo ako, iyong kahabagan, iligtas mo ako't bigyang kalakasan, pagkat ako'y lingkod mo rin tulad ng aking nanay. Pagtulong sa aki'y iyong patunayan; upang mapahiya ang aking kaaway, kung makita nilang mayroong katibayan na ako'y inaliw mo at tinulungan! Sa Bundok ng Zion, itinayo ng Diyos ang banal na lunsod, ang lunsod na ito'y higit niyang mahal sa alinmang bayan ng angkan ni Jacob. Kaya't iyong dinggin ang ulat sa iyong mabubuting bagay, O lunsod ng Diyos: (Selah) “Kapag isinulat ko at ang mga bansang sa iyo'y sasama, aking ibibilang ang bansang Egipto at ang Babilonia; ibibilang ko rin bansang Filistia, Tiro at Etiopia.” At tungkol sa Zion, sasabihin nila, “Ang lahat ng bansa ay masasakupan, siya'y palalakasin at patatatagin ng Kataas-taasan.” Si Yahweh ay gagawa, ng isang talaan ng lahat ng taong doo'y mamamayan, (Selah) sila ay aawit, sila ay sasayaw, at sila'y sabay-sabay na magsasabing, “Ang aking mga pagpapala'y ang Zion ang bukal.” Yahweh, aking Diyos, tanging ikaw lamang, aking kaligtasan, pagsapit ng gabi, dumudulog ako sa iyong harapan. Ako ay dinggin mo, sa pagdalangin ko ako ay pakinggan, sa aking pagdaing ako ay tulungan. Ang kaluluwa ko ay nababahala't puspos ng problema. Dahilan sa hirap pakiwari'y buhay ko'y umiiksi na. Ibinilang ako, niyong malapit nang sa hukay ilagak, ang aking katulad ay mahina na't ubos na ang lakas. Ang katulad ko pa ay ang iniwanan sa gitna ng patay, animo'y nasawi na nananahimik sa kanyang libingan. Tulad na rin ako nitong mga tao na iyong nilimot, parang mga tao na sa iyong tulong ay hindi maabot. Dinala mo ako sa may kadilimang hukay na malalim, na tulad ng libingan na ubod ng dilim. Ikaw ay nagalit, at ang bigat nito'y sa akin nabunton, ang katulad ko'y tinabunan ng malaking alon. (Selah) Mga kasama ko'y hinayaan mo na ako ay iwan, hinayaan silang mamuhi sa aki't ako'y katakutan, kaya hindi ako makatakas ngayo't pintua'y nasarhan. Dahilan sa lungkot, ang aking paningi'y waring lumalamlam, kaya naman, Yahweh, tumatawag ako sa iyo araw-araw, sa pagdalangin ko ay taas ang kamay. Makakagawa ba ikaw, Panginoon, ng kababalaghan, para purihin ka niyong mga patay? (Selah) Ang pag-ibig mo ba doon sa libinga'y ipinapahayag, o sa kaharian niyong mga patay ang iyong pagtatapat? Doon ba sa dilim ang dakilang gawa mo ba'y makikita, o iyong kabutihan, sa mga lupaing tila nalimot na? Sa iyo, O Yahweh, ako'y nananangis at nananawagan, sa tuwing umaga ako'y tumatawag sa iyong harapan. Di mo ako pansin, Yahweh, aking Diyos, di ka kumikibo. Bakit ang mukha mo'y ikinukubli mo, ika'y nagtatago? Mula pagkabata ako'y nagtiis na, halos ikamatay; ang iyong parusa'y siyang nagpahina sa aking katawan. Sa aking sarili, tindi ng galit mo'y aking nadarama, ako'y mamamatay kundi ka hihinto ng pagpaparusa. Parang baha sila kung sumasalakay sa aking paligid, sa buong maghapon kinukubkob ako sa lahat ng panig. Iyong pinalayo mga kaibigan pati kapitbahay; ang tanging natira na aking kasama ay ang kadiliman. Pag-ibig mo, Yahweh, na di nagmamaliw, ang sa tuwi-t'wina'y aking aawitin; ang katapatan mo'y laging sasambitin. Ang iyong pag-ibig walang katapusan, sintatag ng langit ang iyong katapatan. Sabi mo, O Yahweh, isang kasunduan ang iyong ginawa kay David mong hirang at ito ang iyong pangakong iniwan: “Isa sa lahi mo'y laging maghahari, ang kaharian mo ay mamamalagi.” (Selah) Nagpupuri silang nilikha sa langit, ang iyong ginawa'y siyang binabanggit ang katapatan mo, Yahweh, ay inaawit. O Yahweh, Makapangyarihan sa lahat, sino'ng kaparis mo doon sa itaas? Mga nilalang doon sa kalangitan, kay Yahweh ba sila ay maipapantay? Sa pagtitipon man ng lahat ng hinirang, may banal na takot sa iyo at paggalang. O Yahweh na Makapangyarihang Diyos, O Yahweh, mayroon pa kayang katulad kang lubos? Sa kapangyarihan ay tunay na puspos, kadakilaan mo'y sadyang lubus-lubos. Sumusunod sa iyo dagat mang mabangis, alon mang malaki'y napapatahimik. Iyang dambuhalang kung tawagi'y Rahab ay iyong dinurog sa taglay mong lakas, lahat mong kaaway ay iyong winasak, kapangyarihan mo'y ubod nang lakas. Sa iyo ang langit, sa iyo ang lupa, ang buong daigdig ikaw ang maylikha, lahat nang naroo'y sa iyo nagmula. Timog at hilaga, ikaw ang naglagay; Bundok Hermo't Tabor ay nag-aawitan, nagpupuri sila sa iyong pangalan. Ang taglay mong lakas at kapangyarihan, ay walang kaparis, di matatawaran! Ang kaharian mo ay makatarungan, saligang matuwid ang pinagtayuan; wagas na pag-ibig at ang katapatan, ang pamamahala mong ginagampanan. Mapalad ang taong sa iyo'y sumasamba, sa pagsamba nila'y inaawitan ka at sa pag-ibig mo'y namumuhay sila. Sa buong maghapon, ika'y pinupuri, ang katarungan mo'y siyang sinasabi. Ang tagumpay namin ay iyong kaloob, dahilan sa iyong kagandahang-loob. Sapagkat si Yahweh ang aming sanggalang, ang aming hari ay siya ang humirang, Banal ng Israel, siya'y aming sandigan. Noon pa mang una, sa mga lingkod mo, ika'y nagsalita, sa pangitaing ipinakita'y ito ang badya: “Aking pinutungan ang isang dakila, na aking pinili sa gitna ng madla. Ang piniling lingkod na ito'y si David, aking binuhusan ng banal na langis. Kaya't palagi ko siyang gagabayan, at siya'y bibigyan ko ng kalakasan. Di siya malulupig ng kanyang kaaway, ang mga masama'y di magtatagumpay. Aking dudurugin sa kanyang harapan, silang namumuhi na mga kaaway. Ang katapatan ko't pag-ibig na wagas, ay iuukol ko't aking igagawad, at magtatagumpay siya oras-oras. Mga kaharia'y kanyang masasakop, dagat na malawak at malaking ilog. Ako'y tatawaging Ama niya't Diyos, tagapagsanggalang niya't manunubos. Gagawin ko siyang panganay at hari, pinakamataas sa lahat ng hari! Ang aking pangako sa kanya'y iiral at mananatili sa aming kasunduan. Laging maghahari ang isa niyang angkan, sintatag ng langit yaong kaharian. “Kung ang mga anak niya ay susuway, at ang aking utos ay di igagalang, kung ang aking aral ay di papakinggan at ang kautusa'y hindi iingatan, kung gayon, daranas sila ng parusa dahil kasamaan ang ginawa nila, sila'y hahampasin sa ginawang sala. Ngunit ang pangako't pag-ibig kay David, ay di magbabago, hindi mapapatid. Ang tipan sa kanya'y di ko sisirain, ni isang pangako'y di ko babawiin. “Sa aking kabanalan, ipinangako ko, kay David ay hindi magsisinungaling. Lahi't trono niya'y hindi magwawakas, hanggang mayro'ng araw tayong sumisikat; katulad ng buwan na hindi lilipas, matatag na tanda doon sa itaas.” (Selah) Subalit ngayon, siyang iyong hirang, ay itinakwil mo at kinagalitan; binawi mo pati yaong iyong tipan, ang kanyang korona ay iyong dinumhan. Ang tanggulan niya ay iyong winasak, mga muog niya'y iyong ibinagsak. Lahat ng magdaa'y nagsasamantala, ang ari-arian niya'y kinukuha; bansa sa paligid, pawang nagtatawa. Iyong itinaas ang kanyang kaaway, tuwang-tuwa sila't pinapagtagumpay. Ang sandata niya'y nawalan ng saysay, binigo mo siya sa kanyang paglaban. Yaong kanyang trono at ang setrong hawak, inalis sa kanya't iyong ibinagsak. Sa iyong ginawa'y nagmukhang matanda, sa kanyang sinapit siya'y napahiya. (Selah) Hanggang kailan pa ba, mukha'y itatago? Wala na bang wakas, tindi ng galit mo? Alam mo, O Yahweh, ang buhay ng tao ay maikli lamang sa balat ng mundo; papanaw na lahat silang nilikha mo. Sino ba'ng may buhay na hindi papanaw? Paano iiwas sa kanyang libingan tayong mga taong ngayo'y nabubuhay? (Selah) Nasaan ang alab ng dating pag-ibig at tapat na sumpang ginawa kay David? Nasaan, O Diyos? Iyong ipabatid. Iyong nalalaman ang mga pasakit ng abâ mong lingkod, na pawang tiniis; ang mga pagkutya na kanyang sinapit sa kamay ng taong pawang malulupit. Ganito tinuya ng iyong kaaway ang piniling haring saan ma'y inuyam. Si Yahweh ay ating purihin magpakailanman! Amen! Amen! Panginoon naming Diyos, ikaw ang aming tahanan, buhat pa nang simulang lumitaw ang aming angkan. Wala pa ang mga bundok, hindi mo pa nilalalang, hindi mo pa nililikha itong buong daigdigan, ikaw noon ay Diyos na, pagkat ika'y walang hanggan. Yaong taong nilikha mo'y bumabalik sa alabok, sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos. Ang sanlibong mga taon ay para bang isang araw, sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang; isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan. Mga tao'y pumapanaw na para mong winawalis, parang damo sa umagang tumubo sa panaginip. Parang damong tumutubo, may taglay na bulaklak, kung gumabi'y nalalanta't bulaklak ay nalalagas. Sa tindi ng iyong galit, para kaming nauupos, sa simbuyo ng galit mo'y lubos kaming natatakot. Aming mga kasalanan, sa harap mo'y nahahayag, mga sala naming lihim ay kita mo sa liwanag. Sa kamay mo'y nagwawakas itong hiram naming buhay, parang bulong lamang ito na basta lang dumaraan. Buhay nami'y umaabot ng pitumpung taóng singkad, minsan nama'y walumpu, kung kami'y malakas; ngunit buong buhay namin ay puno ng dusa't hirap, pumapanaw pagkatapos, dito sa sangmaliwanag. Ang tindi ng iyong galit sino kaya ang tatarok? Sino kaya ang susukat niyong ibubungang takot? Dahil itong buhay nami'y maikli lang na panahon, itanim sa isip namin upang kami ay dumunong. Hanggang kailan pa ba, Yahweh, ang ganitong kalagayan? Parang awa mo na, mga lingkod mo'y iyong tulungan! Kung umaga'y ipadama iyong wagas na pag-ibig, at sa buong buhay nami'y may galak ang aming awit. At ang aming kahirapan palitan mo ng ginhawa, singhaba rin ng panahon ang ipalit na ligaya. Ipakita sa lingkod mo ang dakila mong gawain, at sa sunod naming lahi, ipadama ay gayon din. Panginoon naming Diyos, kami sana'y pagpalain, magtagumpay nawa kami sa anumang aming gawin! Magtagumpay nawa kami! Siyang naghahangad ng pagkupkop ng Kataas-taasan, at nananatili sa pagkalinga ng Makapangyarihan, ay makakapagsabi kay Yahweh: “Muog ka't kanlungan, ikaw ang aking Diyos, ang Diyos na tangi kong pinagtiwalaan.” Sa panganib at bitag ika'y kanyang ililigtas, at kahit ano mang matinding salot ay di ka magdaranas. Lulukuban ka niya sa lilim ng kanyang malapad na pakpak, at sa kalinga niya ay palagi ka ngang nakakatiyak; iingatan niya't ipagsasanggalang, pagkat siya'y matapat. Pagsapit ng gabi, di ka matatakot sa anumang bagay, maging sa gagawing biglaang paglusob ng mga kaaway. Ni sa ano pa mang darating na salot pagkagat ng dilim, sa pagpuksa'y wala kang takot, sa araw man dumating. Kahit na mabuwal sa iyong harapan ang sanlibong tao, sa iyong paligid ang bilang ng patay maging sampung libo; di ka matatakot, at natitiyak mong di ka maaano. Ika'y magmamasid at sa panonood, mapapatunayan, iyong makikita, taong masasama'y pinaparusahan. Sapagkat si Yahweh ang iyong ginawang tagapagsanggalang, at ang pinili mong mag-iingat sa iyo'y Kataas-taasan. Di mo aabuting ika'y mapahamak; di mararanasan kahit anong uring mga paghihirap sa iyong tahanan. Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin, saan mang dako maparoon, tiyak kang iingatan. Sa kanilang mga kamay, ika'y aalalayan, nang sa mga bato, paa mo'y hindi masasaktan. Iyong tatapakan kahit mga ahas o leong mabagsik, di ka maaano sa mga serpiyente't leong mababangis. Ang sabi ng Diyos, “Ililigtas ko ang mga tapat sa akin, at iingatan ko ang sinumang taong ako'y kikilanlin. Kapag sila'y tumawag, laging handa ako na sila'y pakinggan, aking sasamahan at kung may problema ay sasaklolohan; aking ililigtas at ang bawat isa ay pararangalan. Sila'y bibigyan ko't gagantimpalaan ng mahabang buhay, at nakakatiyak, tatamuhin nila aking kaligtasan!” Ang magpasalamat kay Yahweh ay mabuting bagay, umawit na lagi purihin ang ngalang Kataas-taasan. Pag-ibig niyang wagas ay dapat ihayag, kung bukang-liwayway, pagsapit ng gabi ang katapatan niya'y ihayag din naman. Ito'y ipahayag sa saliw ng alpa't tugtuging salteryo, sa magandang himig ng tugtuging lira'y ipahayag ito. Ako'y nagagalak sa iyong ginawa na kahanga-hanga, sa lahat ng ito ako'y umaawit dahilan sa tuwa. O pagkadakila! Kay dakila, Yahweh, ng iyong ginawa, ang iyong isipan ay sadyang mahirap naming maunawa. Sa kapos na isip, ang bagay na ito ay di nalalaman, hindi malilirip ni mauunawa ng sinumang mangmang: ang mga masama kahit na dumami't sila ma'y umunlad, kanilang hantungan ay tiyak at lubos na kapahamakan; sapagkat ikaw lang, Yahweh, ang dakila't walang makatulad. Nababatid naming lilipuling lahat ang iyong kaaway, at lahat ng taong masama ang gawa ay mapipilan. Ako'y ginawa mong sinlakas ng torong mailap sa gubat, ako'y pinagpala't pawang kagalakan aking dinaranas. Aking nasaksihan yaong pagkalupig ng mga kaaway, pati pananaghoy ng mga masama'y aking napakinggan. Tulad ng palmera, ang taong matuwid tatatag ang buhay, sedar ang kagaya, kahoy sa Lebanon, lalagong malabay. Mga punong natanim sa tahanan ni Yahweh, sa Templo ng ating Diyos bunga nila'y darami. Tuloy ang pagbunga kahit na ang punong ito ay tumanda, luntia't matatag, at ang dahon nito ay laging sariwa. Ito'y patotoo na si Yahweh ay tunay na matuwid, siya kong sanggalang, matatag na batong walang karumihan. Si Yahweh ay naghahari, na ang suot sa katawan ay damit na maharlika at puspos ng kalakasan. Matatag na itinayo ang sandigan ng daigdig, kahit ano ang gawin pa'y hindi ito mayayanig. Ang trono mo ay matatag simula pa noong una, bago pa ang kasaysayan, ika'y likas na naro'n na. Tumataas nga, O Yahweh, ang tubig ng mga ilog, lumalakas ang lagaslas habang sila'y umaagos; maingay na mga alon katulad ay pagkalabog. Parang tubig na marami, ang buhos ay parang kulog, malakas pa kaysa alon ng dagat na mayro'ng unos; higit pa sa mga ito si Yahweh na dakilang Diyos. Walang hanggan, O Yahweh, ang lahat ng tuntunin mo, sadyang banal at matatag ang sambahang iyong templo. Karapatang magparusa, O Yahweh, ay taglay mo, ipakita mo ngayon ang karapatang ganito; Tumayo ka at sa lupa'y igawad ang iyong hatol, ang hambog ay hatulan mo ng parusang nauukol. Hanggang kailan kaya, Yahweh, magagalak ang masama? Hanggang kailan ibabantog ang kanilang mga gawa? Gaano bang katagal pa ang masama'y maghahambog, upang sila'y magmalaki sa kanilang gawang buktot? Kanila ngang nililipol itong mga hinirang mo, Yahweh, inaapi nila mga taong tinubos mo. Ang mga ulila, balo't mamamayan ng ibang bansa, pinapatay nila ito at kanilang pinupuksa. Madalas na sinasabi, “Hindi kami pansin ni Yahweh, hindi kami nakikita ni pansin ng Diyos ni Jacob.” Unawain ninyo, bayan, kayong kulang ang isipan; hanggang kailan pa durunong kayong mga taong mangmang? Itong Diyos na lumikha nitong ating mata't tainga, akala ba ninyo'y bingi at ni hindi makakita? Sa lahat ng mga bansa di ba siya ang hahatol? Di ba siya'ng guro nila pagkat siya ang marunong? Batid ni Yahweh mga plano nating baluktot, katulad lang ng hininga, madaling malagot. Mapalad ang mga taong tumatanggap ng pangaral, silang sa iyo'y tumatanggap ng turo sa kautusan. Pagkat sila'y magdaranas ng kapahingahan, hanggang yaong masasama'y mahulog sa kanilang hukay. Mga lingkod ni Yahweh ay hindi niya iiwanan, itong mga hirang niya'y hindi niya tatalikdan; mababalik sa matuwid ang ganap na katarungan, diwang ito ang susundin ng tapat ang pamumuhay. Sino kaya'ng kakampi ko sa pagbaka sa masama? Sino ngayon ang babaka sa masama nilang gawa? O Yahweh, kung ako nga ay hindi mo tinulungan, akin sanang kaluluwa'y naroon na sa libingan. Kapag aking nagunitang, “Ang paa ko'y dumudulas,” dahilan sa pag-ibig mo, O Yahweh, ako'y tumatatag. Kapag ako ay ginugulo ng maraming suliranin, ang wagas na pag-ibig mo ang umaaliw sa akin. Sa iyo ba ay papanig mga hukom na masama, na ang laging kapasyaha'y ang hatol na hindi tama? Sama-sama silang lagi't ang matuwid ang kalaban, ang hatol sa walang sala ay hatol na kamatayan. Ngunit ikaw, O Yahweh, ang sa aki'y nagtatanggol. Ikaw na aking Diyos ang matibay na kanlungan. Sa masamang gawa nila ay Diyos ang gaganti, lilipulin niyang lahat, pagkat sila'y di mabuti; ang wawasak sa kanila ay ang Diyos na si Yahweh. Tayo na't lumapit kay Yahweh na Diyos, siya ay awitan, ang batong kublihan, atin ngang handugan, masayang awitan! Tayo na't lumapit, sa kanyang presensya na may pasalamat, siya ay purihin, ng mga awiting may tuwa at galak. Sapagkat si Yahweh, siya ay dakila't makapangyarihang Diyos, ang dakilang Haring higit pa sa sinuman na dinidiyos. Nasa kanyang palad ang buong daigdig, pati kalaliman; ang lahat ay kanya maging ang mataas nating kabundukan. Kanya rin ang dagat at pati ang lupa na kanyang nilalang. Tayo na't lumapit, sa kanya'y sumamba at magbigay-galang, lumuhod sa harap ni Yahweh na siyang sa ati'y may lalang. Siya ang ating Diyos, at tayo ang bayan sa kanyang pastulan, mga tupang kanyang inaalagaan. At ngayon kanyang salita'y ating pakinggan: “Iyang inyong puso'y huwag patigasin, tulad ng ginawa ng inyong magulang nang nasa Meriba, sa ilang ng Masah. Ako ay tinukso't doon ay sinubok ng inyong magulang, bagama't nakita ang aking ginawang sila'ng nakinabang. Apatnapung taon, sa inyong ninuno ako ay nagdamdam, ang aking sinabi, ‘Sila ay suwail, walang pakundangan at ang mga utos ko'y ayaw nilang sundin!’ Kaya't sa galit ko, ako ay sumumpang hindi sila makakapasok at makakapagpahinga sa aking piling.” Purihin natin si Yahweh, awitan ng bagong awit; purihin natin si Yahweh, lahat nang nasa daigdig! Awitan natin si Yahweh, ngalan niya ay sambahin; araw-araw ang ginawang pagliligtas ay banggitin. Kahit saa'y ipahayag na si Yahweh ay dakila, sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa. Si Yahweh ay tunay na dakila, marapat na papurihan higit sa sinumang diyos, siya'y dapat na igalang. Ang diyos ng sanlibuta'y pawang mga diyus-diyosan; si Yahweh lang ang maylikha ng buong sangkalangitan. Siya'y puspos ng karangalan at ng kaluwalhatian; ang lakas niya't kagandahan ay sa templo mamamasdan. O si Yahweh ay purihin ng lahat sa daigdigan! Purihin ang lakas niya at kanyang kaluwalhatian! Ang pagpuri ay iukol sa pangalan niyang banal, dumulog sa kanyang templo't maghandog ng mga alay. Kung si Yahweh ay dumating, sa likas niyang kabanalan, humarap na nanginginig ang lahat sa sanlibutan. “Si Yahweh ay siyang hari,” sa daigdig ay sabihin, “Sanlibuta'y matatag na, kahit ito ay ugain; sa paghatol sa nilikha, lahat pantay sa paningin.” Lupa't langit ay magsaya, umugong ang kalaliman, lahat kayo na nilikhang nasa tubig ay magdiwang. Ang bukirin at ang lahat ng naroon ay sumigaw, pati mga punongkahoy sa galak ay mag-awitan. Si Yahweh ay darating na upang lahat ay hatulan, at kanyang paghahariin ang sakdal na katarungan. Si Yahweh ay naghahari, magalak ang buong mundo! Magsaya nama't magdiwang, lahat kayong mga pulo! Ang paligid niya'y ulap na puno ng kadiliman, kaharian niya'y matuwid at salig sa katarungan. Sa unahan niya'y apoy, patuloy na nag-aalab, sinusunog ang kaaway sa matindi nitong ningas. Yaong mga kidlat niyang tumatanglaw sa daigdig, kapag iyon ay namasdan, ang lahat ay nanginginig. Itong mga kabundukan ay madaling nalulusaw, sa presensya ni Yahweh, Diyos ng sandaigdigan. Sa langit ay nahahayag nga ang kanyang katuwiran, sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan. Lahat silang sumasamba sa kanilang diyus-diyosan, mahihiya sa kanilang paghahambog na mainam. Mga diyos nilang ito ay yuyuko sa Maykapal. Nagagalak itong Zion, mamamaya'y nagsasaya, nagagalak ang lahat ng mga lunsod nitong Juda, dahilan sa wastong hatol yaong gawad na parusa. Ikaw, Yahweh, ay Dakila at hari ng buong lupa, dakila ka sa alinmang mga diyos na ginawa. Mahal ni Yahweh ang lahat ng namumuhi sa masama, siya ang nag-iingat sa buhay ng mga lingkod niya; sa kamay ng mga buktot, tiyak na ililigtas niya. Sa tapat ang pamumuhay ay sisinag ang liwayway, sa dalisay namang puso maghahari'y kagalakan. Kayong mga matuwid, kay Yahweh ay magalak, sa banal niyang pangalan kayo'y magpasalamat. Kumanta ng bagong awit at kay Yahweh ay ialay, pagkat mga ginawa niya ay kahanga-hangang tunay! Sa sariling lakas niya at kabanalan niyang taglay, walang hirap na natamo itong hangad na tagumpay. Ang tagumpay ni Yahweh, siya na rin ang naghayag, sa harap ng mga bansa'y nahayag ang pagliligtas. Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad, tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas. Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay nahayag! Magkaingay na may galak, lahat ng nasa daigdig; si Yahweh ay buong galak na purihin sa pag-awit! Sa saliw ng mga lira kayong lahat ay umawit, at si Yahweh ay purihin sa ating mga tugtugin. Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambuli, magkaingay sa harapan ni Yahweh na ating Hari. Mag-ingay ka, karagatan, at lahat ng lumalangoy, umawit ang buong mundo at lahat ng naroroon. Umugong sa palakpakan pati yaong karagatan; umawit ding nagagalak ang lahat ng kabundukan. Si Yahweh ay dumarating, maghahari sa daigdig; taglay niya'y katarungan at paghatol na matuwid. Si Yahweh ay naghahari kaya't sa takot ay, mga tao'y nanginginig, trono'y sa ibabaw ng mga kerubin, kaya daigdig ay nayayanig. Si Yahweh'y dakilang tunay, sa Zion o sa mga bansa, si Yahweh ang naghahari sa lahat ng mga nilikha. Purihin natin ang banal at dakila niyang ngalan, si Yahweh ay banal! Ikaw ay dakilang Hari, umiibig sa katuwiran, ang dulot mo sa Israel ay ganap na katarungan; ang dulot mo sa kanila ay pagtinging pantay-pantay. Si Yahweh na ating Diyos ay lubos na parangalan; sa harap ng kanyang trono, tayo ay manambahan! Si Yahweh ay banal! Si Moises at si Aaron, na mga pari niya; at si Samuel nama'y lingkod na sa kanya ay sumamba; nang si Yahweh'y dalanginan, dininig naman sila. Si Yahweh ay nagsalita sa isang haliging ulap; sila naman ay nakinig utos niya ay tinupad. O Yahweh na aming Diyos, sinagot mo sila agad, at ikaw ay nakilalang Diyos na mapagpatawad; ngunit pinagdurusa mo kung ang gawa'y hindi tumpak. Ang Diyos natin na si Yahweh, dapat nating parangalan, sa banal na bundok niya sambahin ang kanyang ngalan! Si Yahweh na ating Diyos ay banal! Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa! Si Yahweh ay papurihan, paglingkuran siyang kusa; lumapit sa presensya niya at umawit na may tuwa! O si Yahweh ay ating Diyos! Ito'y dapat na malaman, tayo'y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang; lahat tayo'y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan. Pumasok sa kanyang templo na ang puso'y nagdiriwang, umaawit, nagpupuri sa loob ng dakong banal; purihin ang ngalan niya at siya'y pasalamatan! Napakabuti ni Yahweh, pag-ibig niya'y walang hanggan, pag-ibig niya ay tunay, laging tapat kailanman! Ang aking awitin ay ang katapatan at ang katarungan; ako'y umaawit patungkol sa iyo, O Yahweh kong mahal; ang aking susunding lagi ay ugaling walang kapintasan, kailan ka kaya darating sa aki't ako'y lalapitan? Malinis ang budhing mamumuhay ako sa aking tahanan, sa buhay kong ito ang gawang masama'y di ko tutulutan. Ang sinumang taong gawai'y masama, di ko sasamahan, di ko papansinin kung sinuman siyang ang Diyos ay kalaban. Aking sisikapin na ang masunod ko'y ang gawaing tapat; maging sa isipan di ko iisipin ang gawang di tumpak. Siyang naninira ng kanyang kapwa'y aking wawasakin; di ko papayagan ang mapagmalaking hambog kung tumingin. Ang lahat ng taong nagtatapat sa Diyos, ako ay kaisa, sa aking palasyo ay papayagan ko na doon tumira, kung tunay na tapat ay tutulutan ko na maglingkod sila. Sa aking palasyo yaong sinungaling di ko papayagan, sa aking presensya ang mapagkunwari'y di ko tutulutan. Lahat ng masama, araw-araw sila'y aking wawasakin; lahat ng masama sa lunsod ni Yahweh ay palalayasin! Dinggin mo, O Yahweh, ang aking dalangin, lingapin mo ako sa aking pagdaing. O huwag ka sanang magkubli sa akin, lalo sa panahong may dusa't bigatin. Kapag ako'y tumawag, ako'y iyong dinggin sa sandaling iyo'y agad mong sagutin. Nanghihina akong usok ang katulad, damdam ko sa init, apoy na maningas. Katulad ko'y damong natuyo sa parang, pati sa pagkai'y di ako ganahan. Kung ako'y tumaghoy ay ubod nang lakas, yaring katawan ko'y buto na at balat. Tulad ko'y mailap na ibon sa ilang, para akong kuwago sa dakong mapanglaw; ang aking katulad sa hindi pagtulog, ibon sa bubungang palaging malungkot. Sa buong maghapon, ang kaaway ko, nililibak ako, kinukutyang todo; gamit sa pagsumpa'y itong pangalan ko. Pagkain ko'y abo at hindi tinapay, luha'y hinahalo sa aking inuman. Dahil sa galit mo, aking Panginoon, dinaklot mo ako't iyong itinapon. Ang buhay kong taglay ay parang anino; katulad ko ngayo'y natuyo nang damo. Ngunit ikaw, Yahweh, ay haring walang hanggan, di ka malilimot ng buong kinapal. Ikaw ay mahabag, tulungan ang Zion, pagkat dumating na ang takdang panahon, sa kalagayan niya ay dapat tumulong. Mahal pa rin siya ng iyong mga lingkod bagama't nawasak at gumuhong lubos. Ang lahat ng bansa kay Yahweh ay takot, maging mga hari sa buong sinukob. Itatayong muli ni Yahweh ang Zion, kaluwalhatian niya'y mahahayag doon. Daing ng mahirap ay iyong papakinggan, di mo tatanggihan ang kanilang kahilingan. Ito'y masusulat upang matunghayan, susunod na lahing di pa dumarating; ikaw nga, O Yahweh, ang siyang pupurihin. Mula sa itaas, sa trono mong banal, ang lahat sa lupa'y iyong minamasdan. Iyong dinirinig ang pagtataghuyan ng mga bilanggong ang hatol ay bitay, upang palayain sa hirap na taglay. Anupa't ang iyong ngala'y mahahayag, sa Zion, O Yahweh, ika'y itatanyag; at sa Jerusalem pupurihing ganap kapag ang mga bansa ay nagsasama-sama sa banal na lunsod upang magsisamba. Ako'y pinanghina, sa aking kabataan; pakiramdam ko ay umikli ang buhay. Itong aking hibik, O aking Diyos, huwag mo sanang kunin sa ganitong ayos! Ang buhay mo, Yahweh, walang katapusan; nang pasimula'y nilikha mo ang sanlibutan, at ang mga kamay mo ang siyang lumikha sa kalangitan. Maliban sa iyo, lahat ay lilipas, at tulad ng damit, lahat ay kukupas; sila'y huhubaring parang kasuotan. Ngunit mananatili ka't hindi magbabago, walang katapusan ang mga taon mo. At ang mga anak ng iyong mga lingkod, mamumuhay namang panatag ang loob; magiging matatag ang kanilang angkan, sa pag-iingat mo, sila'y mananahan. Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa! At lahat ng nasa aki'y magsipagpuri sa kanya, purihin mo sa tuwina ang banal na ngalan niya. Si Yahweh ay papurihan, O aking kaluluwa, at huwag mong kaliligtaan, mabubuti niyang gawa. Ang lahat kong kasalana'y siya ang nagpapatawad, at anumang aking sakit, ginagamot niyang lahat. Sa bingit ng kamatayan ako ay inililigtas, at pinagpapala ako sa pag-ibig niya't habag. Sa sarili ang dulot niya'y kasiyahan habang buhay, kaya naman ang lakas ko ay lakas ng kabataan, katulad ng sa agila ang taglay kong kalakasan. Si Yahweh ay humahatol, ang gawad ay katarungan; natatamo ng inapi ang kanilang karapatan. Mga plano niya't utos kay Moises ibinilin; ang kahanga-hangang gawa'y nasaksihan ng Israel. Si Yahweh ay mahabagi't mapagmahal, hindi madaling magalit, wagas ang pag-ibig. Banayad nga kung magalit, hindi siya nagtatanim; yaong taglay niyang galit, hindi niya kinikimkim. Di katumbas ng pagsuway, kung siya ay magparusa, hindi tayo sinisingil bagama't tayo'y may sala. Ang agwat ng lupa't langit, sukatin ma'y hindi kaya, gayon ang pag-ibig ng Diyos, sa may takot sa kanya. Kung gaano kalayo ang silangan sa kanluran, gayon din niya inalis sa atin ang ating mga kasalanan. Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya, gayon siya nahahabag sa may takot sa kanya. Alam niya na alabok, itong ating pinagmulan, at sa alabok din naman ang ating kahahantungan. Ang buhay ng mga tao'y parang damo ang katulad, sa parang ay lumalago na katulad ay bulaklak; nawawala't nalalagas, kapag ito'y nahanginan, nawawala na nga ito at hindi na mamamasdan. Ngunit ang pag-ibig ni Yahweh ay tunay na walang hanggan, sa sinuman na sa kanya'y may takot at pagmamahal; ang matuwid niyang gawa ay wala ring katapusan. At ang magtatamo nito'y ang tapat sa kasunduan, at tapat na sumusunod sa bigay na kautusan. Si Yahweh nga ang nagtayo ng trono sa kalangitan; mula doon, sa nilikha'y maghaharing walang hanggan. O purihin n'yo si Yahweh, kayong mga anghel ng Diyos, kayong mga nakikinig at sa kanya'y sumusunod! Si Yahweh nga ay purihin ng buong sangkalangitan, kayong mga lingkod niyang masunurin kailanman. O purihin ninyo siya, kayong lahat na nilalang, sa lahat ng mga dakong naghahari ang Maykapal; O aking kaluluwa, si Yahweh ay papurihan! Papurihan mo si Yahweh, O aking kaluluwa! Ikaw Yahweh na aking Diyos, kay dakila mong talaga! Karangala't kamahalan, lubos na nadaramtan ka. O Diyos, kayo po ay puspos ng maningning na liwanag, kalangita'y parang tolda, na kamay mo ang nagladlad. Ang ginawa mong tahanan ay ang tubig sa itaas, ang karo mong sinasakyan ay ang papawiring-ulap, sa pakpak ng mga hangin ay doon ka lumalakad. Tagahatid ng balita ay hangin ding sumisimoy, at kidlat na matatalim ang lingkod mong tumutulong. Ikaw na rin ang nagtayo ng saligan nitong lupa, matatag na ginawa mo't hindi ito mauuga. Ang ibabaw ng saliga'y ginawa mong karagatan, at tubig din ang bumalot sa lahat ng kabundukan. Ngunit noong magalit ka itong tubig ay tumakas, nang marinig ang sigaw mo, tumilapon agad-agad. Bumuhos sa kabundukan, umagos sa kapatagan, natipon sa isang dako't naging isang karagatan, matapos, ang ginawa mo'y naglagay ka ng hangganan, upang itong kalupaa'y di na muling laganapan. Lumilikha ka ng ilog na patungong kapatagan, sa gilid ng mga burol, umaagos na marahan. Kaya kahit na sa ilang ang hayop na naroon, maging hayop na mailap may tubig na naiinom. Sa naroong kakahuya'y umaawit na masaya, mga ibo'y nagpupugad sa malabay nilang sanga. Magmula sa kalangitan, mga bundok ay nadilig, ibinuhos ang pagpapala't lumaganap sa daigdig. Tumubo ang mga damong pagkain ng mga baka, nagkaroon ng halamang masaganang namumunga; anupa't ang mga tao'y may pagkaing nakukuha. Mayroong ubas na inumin kaya tao'y masasaya, may langis pa ng olibong nagdudulot ng ligaya, at tinapay na pagkaing pampalakas sa tuwina. Ang mga kahoy ni Yahweh, masaganang nadidilig, mga sedar ng Lebanon, kayo mismo ang nagtanim. Sa malagong mga puno at malabay nitong sanga, mga ibo'y nagpupugad, doon sila tumitira. Yaong mga kambing-gubat nagkalat sa kabundukan, sa bitak ng mga bato ang kuneho nananahan. Ang buwan ay nababatid sa buwan ding iyong likha, araw nama'y lumulubog sa oras na itinakda. Lumikha ka nitong dilim, at gabi ang itinawag, kung gumabi gumigising ang hayop na maiilap. Umuungal itong leon, samantalang humahanap ng kanyang makakain na sa Diyos din nagbubuhat. Kung sumapit ang umaga, dala nito kanyang huli, pumupunta sa tagua't doon siya nangungubli; samantalang itong tao humahayo sa gawain, sa paggawang walang tigil inaabot na ng dilim. Sa daigdig, ikaw Yahweh, kay rami ng iyong likha! Pagkat ikaw ay marunong kaya ito ay nagawa, sa dami ng nilikha mo'y nakalatan itong lupa. Nariyan ang mga lawa't malawak na karagatan, malalaki't maliliit na isda ay di mabilang. Iba't ibang mga bapor ang dito ay naglalakbay, samantalang ang Leviatang nilikha mo'y kaagapay. Lahat sila'y umaasa, sa iyo ay nag-aabang, umaasa sa pagkain na kanilang kailangan. Ang anumang kaloob mo ay kanilang tinatanggap, mayro'n silang kasiyahan pagkat bukás ang iyong palad. Kapag ika'y lumalayo labis silang nangangamba, takot silang mamatay kung lagutin mo ang hininga; mauuwi sa alabok, pagkat doon sila mula. Taglay mo ang katangiang buhay nila ay ibalik, bagumbuhay ay dulot mo sa nilikha sa daigdig. Sana ang iyong karangala'y manatili kailanman, sa lahat ng iyong likha ang madama'y kagalakan. Nanginginig ang nilikha, kapag titig mo sa daigdig, ang bundok na hipuin mo'y umuusok, nag-iinit. Aawitan ko si Yahweh, palagi kong aawitan, siya'y aking pupurihin habang ako'y nabubuhay. Ang awit ng aking puso sana naman ay kalugdan, pagkat ako'y nagagalak, nagpupuri sa Maykapal. Ang lahat ng masasama sana'y alisin sa daigdig, ang dapat ay lipulin na upang sila ay maalis. Si Yahweh ay purihin mo, aking kaluluwa! Purihin si Yahweh! Dapat na si Yahweh, ating Panginoon, ay pasalamatan, ang kanyang ginawa sa lahat ng bansa'y dapat ipaalam. Siya ay purihin, handugan ng awit, ating papurihan, ang kahanga-hangang mga gawa niya'y dapat na isaysay. Tayo ay magalak yamang lahat tayo ay tunay na kanya, ang kanyang pangalan, ang pangalang banal, napakadakila, lahat ng may nais maglingkod kay Yahweh, dapat na magsaya. Siya ay hanapin, at ang kanyang lakas ay siyang asahan, siya ay hanapin upang mamalagi sa kanyang harapan. Ating gunitain ang kahanga-hanga niyang mga gawa, ang kanyang paghatol, gayon din ang kanyang ginawang himala. Ito'y nasaksihan ng mga alipi't anak ni Abraham, gayon din ng lahat na anak ni Jacob na kanyang hinirang. Ang Diyos na si Yahweh ang Panginoon, siya ang ating Diyos, sa kanyang paghatol ang nasasaklaw, buong sansinukob. Ang tipang pangako'y laging nasa isip niya kailanman, ang mga pangakong kanyang binitiwan sa lahat ng angkan. Ang tipan ng Diyos ay unang ginawa niya kay Abraham, at may pangako ring ginawa kay Isaac na lingkod na mahal; sa harap ni Jacob, ang pangakong ito'y kanyang pinagtibay, para sa Israel, ang tipan na ito ay pangwalang-hanggan. Sinabi ng Diyos, “Ang lupang Canaa'y ikaw ang kukuha, bilang bahagi mo sa aking pangako na ipapamana.” Nang panahong iyon sila ay iilan, hindi pa marami, kaya sa lupaing tinirhan nila'y hindi nanatili. Tulad nila noon ay taong lagalag na palipat-lipat, kung saang lupalop, mga kaharian sila napasadlak. Sinuman ay hindi niya tinulutang sila'y alipinin, ang haring magtangka na gumawa nito ay pananagutin. Ang sabi ng Diyos di dapat apihin ang kanyang hinirang, ang mga propetang mga lingkod niya'y hindi dapat saktan. Sa lupain nila'y mayroong taggutom na ipinarating itong Panginoon, kung kaya nagdahop sila sa pagkain. Subalit ang Diyos sa unahan nila'y may sugong lalaki, tulad ng alipin, ibinenta nila ang batang si Jose; mga paa nito'y nagdanas ng hirap nang maikadena, pinapagkuwintas ng kolyar na bakal pati leeg niya. Hanggang sa dumating ang isang sandali na siya'y subukin nitong si Yahweh, na siyang nangakong siya'y tutubusin. Ang ginamit ng Diyos ay isang hari upang lumaya, pinalaya siya nitong haring ito na namamahala. Doon sa palasyong tahanan ng hari pinapamahala, sa buong lupain, si Jose'y ginawa niyang katiwala. Siya'ng sinusunod ng mga prinsipe doon sa palasyo, siya ang pag-asa ng mga matandang ang gawa'y magpayo. Sa bansang Egipto, itong si Israel ay doon nagpunta, sa lupain ni Ham, ang nunong si Jacob ay doon tumira. Ginawa ni Yahweh ay kusang pinarami ang kanyang hinirang, pinalakas ito, higit pa sa lakas ng mga kaaway. Tinulutan niyang doon sa Egipto sila ay itakwil, ipinabusabos at pinahirapan nang gawing alipin. Saka inutusan itong si Moises, sinugo ng Diyos, sinugo rin niya pati si Aaron, ang piniling lingkod. Sa bansang Egipto'y maraming himalang ginampanan sila, sa utos ng Diyos, maraming himalang doon ay nakita. Ang isang ginawa niya'y pinadilim sa buong lupain, ang ginawang ito'y hindi inintindi ni hindi pinansin. Ang ilog at batis ay kanyang ginawang dugong dumadaloy, pawang nangamatay ang lahat ng isdang doo'y lumalangoy. Napuno ng mga palakang kay rami ang buong lupain, maging mga silid ng mahal na hari ay may palaka rin. Sa utos ng Diyos ay maraming niknik ang biglang sumipot, sa lahat ng dako kay rami ng langaw, gayon din ng lamok. Sa halip na tubig, ay maraming yelo ang nagsilbing ulan, ang kulog at kidlat ay sala-salabat nilang nasaksihan. Ang mga ubasan, mga punongkahoy katulad ng igos, ay kanyang nilagas, mga bunga nito'y hindi na nahinog. Isang utos lamang at biglang dumating ang maraming balang, langit ay nagdilim sa dinami-rami ay hindi mabilang. Lahat ng gulayin at mga halaman sa buong lupain, sinira ng balang, mga bunga nito'y kanilang kinain. Ang mga panganay sa buong Egipto ay kanyang pinatay, kaya sa Egipto, noon ay naubos ang mga panganay. Pagkatapos nito, ang bayang Israel kanyang inilabas, malulusog sila't lumabas na dala'y mga ginto't pilak. Pawang nangatuwa ang mga Egipcio nang sila'y umalis, pagkat natakot na sa mga pahirap nilang tinitiis. Ang naging patnubay nila sa paglakad, kung araw ay ulap, at kung gabi naman ay haliging apoy na nagliliwanag. Nang sila'y humingi niyong makakain, pugo ang nakita, at buhat sa langit, sila ay binusog ng maraming manna. Sa bitak ng bato, bumukal ang tubig nang sila'y mauhaw, pinadaloy niyang katulad ay ilog sa gitna ng ilang. Nagunita ng Diyos ang kanyang ginawang mahalagang tipan, ang pangako niya sa tapat na lingkod niyang si Abraham. Kaya't ang bayan niya'y kanyang inilabas na lugod na lugod, nang kanyang ialis, umaawit sila nang buong alindog. Ang mga hinirang ay binigyan niya ng lupang malawak, sila ang nag-ani sa lupaing iyong iba ang naghirap. Ginawa niya ito upang ang tuntuni'y kanilang mahalin, yaong kautusan, ang utos ni Yahweh ay kanilang sundin. Purihin si Yahweh! Purihin si Yahweh! Pasalamatan siya sa kanyang kabutihan! Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman. Sinong mangangahas upang magpahayag na siya'y dakila? Sino ang pupuri at magpapahayag ng kanyang ginawa? At dapat magalak ang sinumang tao na makatarungan, na gawang matuwid ang adhika sa buo niyang buhay. Tulungan mo ako, kapag ang bayan mo'y iyong nagunita, sa pagliligtas mo, ang abâ mong lingkod isama mo sana; upang makita ko ang pag-unlad nila na iyong hinirang, kasama ng iyong bansang nagagalak, ako'y magdiriwang. Nagkasala kami, tulad ng ginawa ng aming magulang, ang aming ginawa'y tunay na di tama, pawang kasamaan. Ang magulang namin nang nasa Egipto, di nagpahalaga sa kahanga-hangang mga ginawa mong kanilang nakita; ni hindi pinansin ang iyong pag-ibig na walang kagaya, bagkus ang ginawa sa Dagat na Pula'y nilabanan ka pa. Sa kabila nito, gaya ng pangako, sila'y iniligtas, upang ipadama na ang Panginoo'y dakila't malakas. Nang siya'y mag-utos, ang Dagat na Pula ay natuyong bigla, sila'y itinawid na ang dinaanan ay tuyo nang lupa. Sila'y iniligtas sa pagpapahirap ng mga kaaway, iniligtas sila sa kapangyariha't lakas ng kalaban. Yaong nagsihabol, pawang nangalunod sa gitna ng dagat, lahat sa kanila'y nilulon ng tubig, walang nakaligtas. Nang ito'y nakita, niyong mga lingkod mo na bayang hinirang, sila'y naniwala sa iyong pangako at nagpuring tunay. Parang ningas-kugon, ang lahat ng ito'y kaagad nilimot, sariling balangkas ang sinunod nila, hindi ang sa Diyos. Habang nasa ilang, ang sariling hilig ang siyang sinunod, sa ilang na iyo'y kinalaban nila't sinubok ang Diyos. Ang hiniling nila'y hindi itinanggi, kanilang nakamit, ngunit pagkatapos, sila'y dinapuan ng malubhang sakit. Sila ay nagselos kay Moises habang nasa ilang, at kay Aaron, ang banal na lingkod na si Yahweh ang humirang. Sa ginawang ito, nagalit ang Diyos, bumuka ang lupa, si Datan, Abiram, pati sambahaya'y natabunang bigla. Sa kalagitnaan nila'y itong Diyos, lumikha ng sunog, at ang masasamang kasamahan nila ay kanyang tinupok. Sa may Bundok ng Sinai, doon ay naghugis niyong gintong guya, matapos mahugis ang ginawa nila'y kanilang sinamba. Ang dakilang Diyos ay ipinagpalit sa diyos na nilikha, sa diyos na baka na ang kinakain ay damong sariwa. Kanilang nilimot ang Diyos na si Yahweh, ang Tagapagligtas, ang kanyang ginawa doon sa Egipto'y kagila-gilalas. Sa lupaing iyon ang ginawa niya'y tunay na himala. Sa Dagat na Pula Ang pasya ng Diyos sa ginawa nila'y lipulin pagdaka, agad na dumulog kay Yahweh si Moises, namagitan siya, at hindi natuloy iyong kapasyahan na lipulin sila. Ang lupang-pangarap na ipinangako'y kusang tinanggihan, dahilan sa sila'y hindi naniwala sa pangakong tipan. Sa loob ng tolda ay nagrereklamo at puro pa angal, at hindi nila pinakinggan tinig ni Yahweh, Diyos na banal. Sa ginawang iyon, nagalit ang Diyos, siya ay sumumpang sila'y lilipulin, mamamatay sa gitna ng ilang. Sila'y ikakalat, dadalhin sa bansa niyong mga Hentil, sa lugar na iyon, mamamatay sila sa pagkaalipin. Sila'y nakiisang sa Baal ng Beor ay doon sumamba, ang mga pagkain na handog sa patay ang pagkain nila. Sa inasal nila'y nagalit si Yahweh, naging pasya'y ito: Dinalhan ng peste, pawang nagkamatay ang maraming tao. Sa galit ni Finehas taong nagkasala ay kanyang pinatay, kung kaya nahinto ang salot na iyon na nananalakay. Magmula nga noon, at magpakailanman, di malilimutan ang ginawang ito'y di na malilimot nitong kanyang bayan. At itong si Yahweh, kanilang ginalit sa Bukal Meriba, nalagay sa gipit itong si Moises dahil sa kanila. Sa ginawa nila ay lubhang nasaktan ang kanyang damdamin, dahas ng salitang nagmula sa bibig ay hindi napigil. Di nila nilipol ang lahat ng taong naro'n sa Canaan, bagama't ito'y iniutos ni Yahweh na dapat gampanan. Sa halip na sundin ang utos ng Diyos, bagkus nakisama, at maling gawain ng mga pagano ang sinunod nila. Ang diyus-diyosan ang sinamba nila at pinaglingkuran, sa ginawang ito, sila ang nagkamit ng kaparusahan. Pati anak nilang babae't lalaki'y inihaing lubos, sa diyus-diyosan, mga batang ito ay ginawang handog. Ang pinatay nila'y mga batang musmos, batang walang malay para ipanghandog sa diyus-diyosan ng lupang Canaan, kaya't ang lupain sa ginawa nila'y pawang nadungisan. Ang sarili nila yaong nadungisan sa gayong ginawa, sa Diyos na si Yahweh sila ay nagtaksil at pawang sumama. Kaya naman muli, si Yahweh'y nagalit sa mga hinirang, siya ay nagdamdam sa ginawa nilang pawang kataksilan. Sa bansang kaaway itong bayan niya'y ipinaubaya, sila ay nasakop at ang mga Hentil ay siyang namahala. Inalipin sila at pinahirapan ng mga kaaway, pinasuko sila't ipinailalim sa kapangyarihan. Hindi na miminsan, marami nang beses iniligtas sila, naghimagsik pa rin, kaya naman sila'y lalong nagkasala. Gayunman, hindi rin tinitiis ng Diyos, kapag nananambitan, dinirinig niya't sa taglay na hirap kinahahabagan. Dinirinig sila at inaalaala kanyang kasunduan, nahahabag siya dahilan sa wagas niyang pagmamahal. Maging ang sumakop sa mga hinirang ay nangahabag din, sapagkat si Yahweh ang siyang nag-utos na iyon ang gawin. Iligtas mo kami, O Yahweh, aming Diyos, Panginoon namin, saanman naroon ang mga anak mo ay muling tipunin, upang ang ngalan mo ay pasalamata't aming dakilain. Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel, purihin siya, ngayon at magpakailanman! Ang lahat ng tao ay magsabing, “Amen!” Purihin si Yahweh! Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan! Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman. Lahat ng niligtas, tinubos ni Yahweh, bayaang magpuri, mga tinulungan, upang sa problema, sila ay magwagi. Sa sariling bayan, sila ay tinipo't pinagsama-sama, silanga't kanluran timog at hilaga, ay doon kinuha. Mayro'ng naglumagak sa ilang na dako, at doon nanahan, sapagkat sa lunsod ay wala nang lugar silang matirahan. Wala nang makain kaya't sila'y nagutom, nauhaw na lubha, ang katawan nila ay naging lupaypay, labis na nanghina. Nang sila'y magipit, kay Yahweh, sila ay tumawag, at dininig naman sa gipit na lagay, sila'y iniligtas. Inialis sila sa lugar na iyon at pinatnubayan, tuwirang dinala sa payapang lunsod at doon tumahan. Kaya dapat namang kay Yahweh ay magpasalamat, dahil sa pag-ibig at kahanga-hanga niyang pagliligtas. Mga nauuhaw ay pinapainom upang masiyahan, mga nagugutom ay pawang binubusog sa mabuting bagay. Sa dakong madilim, may mga nakaupo na puspos ng lungkot, bilanggo sa dusa, at sa kahirapan sila'y nagagapos. Ang dahilan nito— sila'y naghimagsik, lumaban sa Diyos; mga pagpapayo ng Kataas-taasan ay hindi sinunod. Nahirapan sila, pagkat sa gawain sila'y hinagupit; sa natamong hirap, nang sila'y bumagsak ay walang lumapit. Sa gitna ng hirap, kay Yahweh sila ay tumawag; at dininig naman yaong kahilingan na sila'y iligtas. Sa dakong madilim, sila ay hinango sa gitna ng lungkot, at ang tanikala sa kamay at paa ay kanyang nilagot. Kaya dapat namang kay Yahweh ay magpasalamat, dahil sa pag-ibig at kahanga-hanga niyang pagliligtas. Winawasak niya, maging mga pinto na yari sa tanso, ang rehas na bakal ay nababaluktot kung kanyang mahipo. May nangagkasakit, dahil sa kanilang likong pamumuhay; dahil sa pagsuway, ang dinanas nila'y mga kahirapan. Anumang pagkain na makita nila'y di na magustuhan, anupa't sa anyo, di na magluluwat ang kanilang buhay. Sa ganoong lagay, sila ay tumawag kay Yahweh, tinulungan sila at sa kahirapan, sila ay tinubos. Sa salita lamang na kanyang pahatid sila ay gumaling, at naligtas sila sa kapahamakang sana ay darating. Kaya't dapat namang kay Yahweh ay magpasalamat, dahil sa pag-ibig at kahanga-hanga niyang pagliligtas. Dapat ding dumulog, na dala ang handog ng pasasalamat, lahat ng ginawa niya'y ibalita, umawit sa galak! Mayroong naglayag na lulan ng barko sa hangad maglakbay, ang tanging layunin kaya naglalayag, upang mangalakal. Nasaksihan nila ang kapangyarihan ni Yahweh, ang kahanga-hangang ginawa ni Yahweh na hindi maarok. Nang siya'y mag-utos, nagngalit ang dagat, hangin ay lumakas, lumaki ang alon na kung pagmamasdan, ay pagkatataas. Ang sasakyan nila halos ay ipukol mula sa ibaba, kapag naitaas ang sasakyang ito'y babagsak na bigla; dahil sa panganib, ang pag-asa nila ay halos mawala. Ang kanilang anyo'y parang mga lasing na pahapay-hapay, dati nilang sigla't mga katangia'y di pakinabangan. Nang nababagabag, kay Yahweh sila ay tumawag, dininig nga sila at sa kahirapan, sila'y iniligtas. Ang bagyong malakas, pinayapa niya't kanyang pinatigil, pati mga alon, na naglalakihan ay tumahimik din. Nang tumahimik na, sila ay natuwa, naghari ang galak, at natamo nila ang kanilang pakay sa ibayong dagat. Kaya't dapat namang kay Yahweh ay magpasalamat, dahil sa pag-ibig at kahanga-hanga niyang pagliligtas. Itong Panginoon ay dapat itanghal sa gitna ng madla, dapat na purihin sa kalipunan man ng mga matanda. Nagagawa niyang tuyuin ang ilog na tulad ng ilang, maging mga batis ay nagagawa ring parang lupang tigang. Ang lupang mataba, kung kanyang ibigi'y nawawalang saysay, dahilan sa sama ng mga nilikhang doo'y nananahan. Kahit naman ilang, nagagawa niyang matabang lupain, nagiging batisang sagana sa tubig ang tuyong lupain. Sa lupaing iyon, ang mga nagugutom doon dinadala, ipinagtatayo ng kanilang lunsod at doon titira. Sila'y nagbubukid, nagtatanim sila ng mga ubasan, umaani sila ng saganang bunga, sa lupang tinamnan. Sila'y pinagpala't lalong pinarami ang kanilang angkan, at dumarami rin pati mga baka sa kanilang kawan. Kapag pinahiya ang bayan ng Diyos at nalupig sila, ang bansang sumakop na nagpapahirap at nagpaparusa, sila'y susumbatan nitong Panginoo't ang kanyang gagawin, ikakalat sila sa hindi kilalang malayong lupain. Ngunit itataas ang nangagdurusa't laging inaapi, parang mga kawan, yaong sambahayan nila ay darami. Nakikita ito ng mga matuwid kaya nagagalak, titikom ang bibig ng mga masama at taong pahamak. Kayong matalino, ang bagay na ito'y inyong unawain, pag-ibig ni Yahweh na di kumukupas ay inyong tanggapin. Nahahanda ako ngayon, O Diyos, ako ay handa na, na magpuri at umawit ng awiting masisigla! Gumising ka, kaluluwa, gumising ka at magsaya! O magsigising na nga kayo, mga lira at alpa; tumugtog na at hintayin ang liwayway ng umaga. Sa gitna ng mga bansa kita'y pasasalamatan, Yahweh, ika'y pupurihin sa gitna ng mga hirang. Pag-ibig mong walang maliw ay abot sa kalangitan, nadarama sa itaas ang lubos mong katapatan. Sa ibabaw ng mga langit ikaw ay itatanghal, at dito naman sa daigdig ang iyong kaluwalhatian. Sa taglay mong kalakasan kami sana ay iligtas, upang kaming iyong lingkod ay hindi na mapahamak; dinggin mo ang dalangin ko kapag ako'y tumatawag. Sinabi nga nitong Diyos mula sa tronong luklukan, “Hahatiin ko ang Shekem, bilang tanda ng tagumpay, paghahati-hatiin ko ang Sucot na kapatagan, matapos na gawin ito'y ibibigay sa hinirang. Ang Gilead at Manases, dal'wang dakong ito'y akin, magsisilbing helmet ko itong lugar ng Efraim; samantalang itong Juda ay setrong dadakilain. Ang Moab ay isang lugar na gagawin kong hugasan, samantalang itong Edom ay lupa kong tatapakan; doon naman sa Filistia, tagumpay ko'y isisigaw.” Sino kaya ang sasama sa lakad ko, Panginoon? Sa lunsod na mayroong kuta, sino'ng maghahatid ngayon? Sino kaya'ng magdadala sa akin sa lupang Edom? Dahil kami'y itinakwil, hindi mo na pinapansin. Kung ikaw ay di kasama, paano ang hukbo namin? O Diyos, kami'y tulungan mo sa paglaban sa kaaway, pagkat ang tulong ng tao ay walang kabuluhan. Kung ang Diyos ang kasama, kasama sa panig namin, matatamo ang tagumpay, ang kaaway tatalunin. Isang Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit. Pinupuri kita; O Diyos, huwag ka sanang manahimik, ako ngayo'y nilulusob niyong mga malulupit, mga taong sinungaling na manira lang ang nais. Kay rami ng sinasabing pangungusap na di tunay, kinakalaban nga ako kahit walang madahilan. Bagaman sila'y minahal ko, masama rin ang paratang, kahit ko pa idalangin, masama pa rin yaong bintang. Sa mabuting ginawa ko, iginanti ay masama, kapalit ng pag-ibig ko ay galit at alipusta. Ang itapat mo sa kanya'y masama ring tulad niya, kaaway ang pausigin, nang magtamo ng parusa, pagkatapos na malitis, bayaan mo na magdusa, kahit siya manalangin, huwag mo nang dinggin pa. Ang dapat ay paikliin tinataglay niyang buhay, kuhanin ng ibang tao maging kanyang katungkulan. Silang mga anak niya ay dapat na maulila, hayaan mong maging biyuda, itong giliw nilang ina. Bayaan ang mga supling, maglakad at mamalimos, sa nawasak na tahanan palayasin silang lubos. Ang lahat ng yaman niya'y ilitin ng nagpautang, agawin ng ibang tao, ang bunga ng pagpapagal. Hindi siya nararapat kahabagan nino pa man, kahit anak na ulila sa hirap ay pabayaan. Pati angkan niya't lahi, ay bayaang mamatay, sa sunod na lahi niya, ngalan niya ay maparam. Gunitain sana ni Yahweh ang sala ng kanyang angkan, at ang sala nitong ina ay di dapat malimutan. Huwag din sanang malimutan ni Yahweh ang sala nila, ngunit sila naman mismo ay dapat na malimot na! Pagkat mga taong iyo'y wala namang natulungan, bagkus pa ang mahirap inuusig, pinapatay. Mahilig sa pagsumpa, kaya dapat na sumpain, yamang ayaw na magpala, di dapat pagpalain. Ang pagsumpa sa kapwa sa kanya ay parang damit, kasuotang oras-oras nagagawa ang magbihis; sana'y siya ang ginawin, katulad ng nasa tubig tumagos sa buto niya, iyong sumpang parang langis. Sana'y maging kasuotang nakabalot sa katawan, na katulad ng sinturong nakabigkis araw-araw. Ang ganitong kaaway ko, Yahweh, iyong parusahan, sa dami ng ginagawa't sinasabing kasamaan. Katulad ng pangako mo, Yahweh, ako ay tulungan, yamang ika'y mapagmahal, ako'y ipagtanggol naman. Pagkat ako ay mahirap, laging nangangailangan, labis akong naghihirap sa ganitong kalagayan. Anino ang katulad ko na kung gabi'y nawawala, parang balang na lumipad, kapag ako ay inuga. Mahina na ang tuhod ko, dahilan sa di pagkain, payat na ang katawan ko, buto't balat sa paningin. Ang sinumang makakita sa akin ay nagtatawa, umiiling silang lahat kapag ako'y nakikita. Tulungan mo ako, Yahweh, sana naman ay iligtas, dahilan sa pag-ibig mong matatag at di kukupas. Bayaan mong makilala na ikaw ang nahahabag, ipakita sa kaaway na ikaw ang nagliligtas. Ako'y iyong pagpalain, kung kanilang sinusumpa, sa kanilang pag-uusig bayaan mong mapahiya; ako namang iyong lingkod mabubuhay na may tuwa. Silang mga nang-uusig, bayaan mong mabahala, ang damit ng kahihiyan, isuot mo sa kanila. Kay Yahweh ay buong puso akong magpapasalamat, sa gitna ng karamiha'y magpupuri akong ganap; pagkat siya'y laging handang tumulong sa mahihirap, na lagi nang inuusig at ang gusto'y ipahamak. Sinabi ni Yahweh, sa aking Panginoon, “Maupo ka sa kanan ko, hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.” Magmula sa dakong Zion, ay palalawakin niya ang lupaing iyong sakop; “At lahat ng kaaway mo'y sakupin at pagharian,” gayon ang kanyang utos. Sasamahan ka ng madla, kung dumating ang panahong lusubin ka ng kaaway; magmula sa mga bundok, lalabas at sasamahan ka ng mga kabataan. Si Yahweh ay may pangako at ang kanyang sinabi, hinding-hindi magbabago: “Ikaw ay pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec.” Si Yahweh ay naroroong nakaupo sa kanan mo, at kapag siya ay nagalit, ang lahat ng mga hari ay tiyak na malulupig. Siya'y hukom na hahatol sa lahat ng mga bansa; sa labanang walang puknat, marami ang malalagas! Sapagkat ang mga hari'y lulupigin niyang lahat. Sa batis sa lansangan, itong hari ay iinom, at sisigla ang katawan; sa lakas na tataglayin, matatamo ang tagumpay. Purihin si Yahweh! Buong puso siyang pasasalamatan, aking pupurihin sa gitna ng bayan kasama ng mga lingkod na hinirang. Ang mga gawa ni Yahweh, tunay napakadakila, mga nalulugod sa kanya, lagi itong inaalala; lahat niyang gawa'y dakila at wagas, katuwiran niya'y hindi magwawakas. Hindi maaalis sa ating gunita, si Yahweh ay mabuti't mahabaging lubha. Ang sa kanya'y gumagalang pagkain ay sagana; pangako ni Yahweh ay di nasisira. Ipinadama niya sa mga hinirang, ang kapangyarihan niyang tinataglay, nang ibigay niya lupa ng dayuhan. Ang gawa ng Diyos, matuwid at tapat, at maaasahan lahat niyang batas. Ito ay lalagi at di magwawakas, pagkat ang saliga'y totoo't matapat. Kaligtasa'y dulot sa mga hinirang, may ipinangakong walang hanggang tipan; Banal at dakila ang kanyang pangalan! Ang pagsunod at paggalang kay Yahweh'y simula ng karunungan. Taong masunurin, pupurihing lubos. Purihin ang Diyos magpakailanman! Purihin si Yahweh! Mapapalad ang tao na kay Yahweh ay gumagalang, at taus-pusong sumusunod sa kanyang kautusan. Ang kanyang lipi'y magiging dakila, pati mga angkan ay may pagpapala. Magiging sagana sa kanyang tahanan, pagpapala niya'y walang katapusan. Ang taong matuwid, may bait at habag, kahit sa madilim taglay ay liwanag. Ang mapagpautang nagiging mapalad, kung sa hanapbuhay siya'y laging tapat. Hindi mabibigo ang taong matuwid, di malilimutan kahit isang saglit. Masamang balita'y hindi nagigitla, matatag ang puso't kay Yahweh'y tiwala. Wala siyang takot hindi nangangamba, alam na babagsak ang kaaway niya. Nagbibigay sa mga nangangailangan, pagiging mat'wid niya'y walang hanggan, buong karangalang siya'y itataas. Kung makita ito ng mga masama, lumalayas silang mabagsik ang mukha; pagkat ang pag-asa'y lubos nang nawala. Purihin si Yahweh! Dapat na magpuri ang mga alipin, ang ngalan ni Yahweh ay dapat purihin. Ang kanyang pangalan ay papupurihan, magmula ngayo't magpakailanman, buhat sa silangan, hanggang sa kanluran, ang ngalan ni Yahweh, dapat papurihan. Siya'y naghahari sa lahat ng bansa, lampas pa sa langit ang pagkadakila. Sino bang katulad ng Diyos na si Yahweh, na sa kalangitan doon nakaluklok? Buhat sa itaas siya'y tumutunghay, ang lupa at langit kanyang minamasdan. Mula kapanglawa'y itong mahihirap, kanyang itinataas, kanyang nililingap. Sa mga prinsipe ay isinasama, sa mga prinsipe nitong bayan niya. Ang babaing baog pinagpapala niya, binibigyang anak para lumigaya. Purihin si Yahweh! Ang bayang Israel sa bansang Egipto'y kanyang inilabas, nang ang lahing ito sa bansang dayuhan lahat ay lumikas. Magmula na noon ang lupaing Juda'y naging dakong banal, at bansang Israel ginawa ng Diyos na sariling bayan. Ang Dagat ng Tambo, nang ito'y makita, nagbigay ng daan, magkabilang panig ng Ilog ng Jordan ay tumigil naman. Maging mga bundok, katulad ng tupa, ay pawang nanginig, pati mga burol, nanginig na parang tupang maliliit. Ano ang nangyari, at ikaw, O dagat, nagbigay ng daan? Ikaw Ilog Jordan, bakit ang tubig mo ay tumigil naman? Kayong mga bundok, bakit parang kambing na nagsisilundag? Kayong mga burol, maliit na tupa'y inyo namang katulad? Ikaw, O daigdig, sa harap ni Yahweh, ngayon ay manginig, dapat kang matakot sapagkat darating ang Diyos ni Jacob, sa malaking bato nagpabukal siya ng saganang tubig, at magmula roon ang tubig na ito ay nagiging batis. Tanging sa iyo lamang, Yahweh, ang dakilang karangalan, hindi namin maaangkin, pagkat ito'y iyo lamang; walang kupas iyong pag-ibig, natatanging katapatan. Ganito ang laging tanong sa amin ng mga bansa: “Nasaan ba ang inyong Diyos?” ang palaging winiwika. Ang Diyos nami'y nasa langit, naroroon ang Diyos namin, at ang kanyang ginagawa ay kung ano ang ibigin. Ginawa sa ginto't pilak ang kanilang mga diyos, sa kanila'y mga kamay nitong tao ang nag-ayos. Totoo nga at may bibig, ngunit hindi makapagsalita, at hindi rin makakita, mga matang pinasadya; di rin naman makarinig ang kanilang mga tainga, ni hindi rin makaamoy ang ginawang ilong nila. Totoo nga na may kamay ngunit walang pakiramdam, mga paa'y mayroon din ngunit hindi maihakbang, ni wala kang naririnig kahit munting tinig man lang. Ang gumawa sa kanila at pati ang nagtiwala, lahat sila ay katulad ng gayong diyos na ginawa. Ikaw, bayan ng Israel, kay Yahweh lang magtiwala, siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa. Kayong mga pari, kay Yahweh ay magtiwala, siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa. Kay Yahweh ay magtiwala, kayong may takot sa kanya, siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa. Ang Diyos ay magpapala, hindi tayo lilimutin, pagpapala'y matatamo nitong bayan ng Israel; pati mga pari'y may pagpapalang kakamtin. Sa lahat ng mayro'ng takot kay Yahweh, lahat mapagpapala, kung magpala'y pantay-pantay, sa hamak man o dakila. Sana kayo'y paramihin, kayo at ang inyong angkan, anak ninyo ay dumami, lumaki ang inyong bilang. Pagpalain sana kayo, pagpalain kayong lubos, pagpalain ng lumikha ng langit at sansinukob. Si Yahweh ang may-ari ng buong sangkalangitan, samantalang ang daigdig, sa tao niya ibinigay. Di na siya mapupuri niyong mga taong patay, niyong mga nahihimlay sa malamig na libingan. Tayo ngayong nabubuhay ang dapat magpasalamat, siya'y dapat na purihin, mula ngayon, hanggang wakas. Purihin si Yahweh! Minamahal ko si Yahweh, pagkat ako'y dinirinig, dinirinig niya ako, sa dalangin ko at hibik; ako'y kanyang dinirinig tuwing ako'y tumatawag, kaya nga't habang buhay ko'y sa iyo lagi tatawag. Noong ako'y mahuhulog sa bingit ng kamatayan, nadarama ko ang tindi ng takot ko sa libingan; lipos ako ng pangamba at masidhing katakutan. Sa ganoong kalagayan, si Yahweh ang tinawag ko, at ako ay nagsumamo na iligtas niya ako. Si Yahweh'y napakabuti, mahal niya ang katuwiran, Diyos siyang mahabagin, sa awa ay mayaman. Si Yahweh ang nag-iingat sa wala nang sumaklolo; noong ako ay manganib, iniligtas niya ako. Manalig ka, O puso ko, kay Yahweh ka magtiwala, pagkat siya ay mabuti't hindi siya nagpapabaya. Ako'y kanyang iniligtas sa kuko ng kamatayan, tinubos sa pagkatalo, at luha ko'y pinahiran. Sa presensya ni Yahweh doon ako mananahan, doon ako mananahan sa daigdig nitong buháy. Laging buháy ang pag-asa, patuloy ang pananalig, bagama't ang aking sabi'y, “Ako'y ganap nang nalupig.” Bagama't ako'y takot, nasasabi ko kung minsan, “Wala kahit isang tao na dapat pagtiwalaan.” Kay Yahweh na aking Diyos, anong aking ihahandog, sa lahat ng kabutihan na sa akin ay kaloob? Ang handog ko sa dambana, ay inumin na masarap, bilang aking pagkilala sa ginawang pagliligtas. Sa tuwinang magtitipon ang lahat ng kanyang hirang, ang anumang pangako ko, ay doon ko ibibigay. Tunay ngang itong si Yahweh, malasakit ay malaki, kung ang isang taong tapat, kamatayan ay masabat. O Yahweh, naririto akong inyong abang lingkod, katulad ng aking ina, maglilingkod akong lubos; yamang ako'y iniligtas, kinalinga at tinubos. Ako ngayo'y maghahandog ng haing pasasalamat, ang handog kong panalangi'y sa iyo ko ilalagak. Purihin si Yahweh! Dapat na purihin ng lahat ng bansa. Siya ay purihin ng lahat ng tao sa balat ng lupa! Pagkat ang pag-ibig na ukol sa ati'y dakila at wagas, at ang katapatan niya'y walang wakas. Purihin si Yahweh! Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan! Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman. Ang taga-Israel, bayaang sabihi't kanilang ihayag, “Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.” Kayong mga pari ng Diyos na si Yahweh, bayaang magsaysay: “Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.” Lahat ng may takot kay Yahweh, dapat magpahayag, “Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.” Nang ako'y magipit, ang Diyos na si Yahweh ay aking tinawag; sinagot niya ako't kanyang iniligtas. Kung itong si Yahweh ang aking kasama at laging kapiling, walang pagkatakot sa aking darating. Si Yahweh ang siyang sa aki'y tumutulong laban sa kaaway, malulupig sila't aking mamamasdan. Higit na mabuti na doon kay Yahweh magtiwala ako, kaysa panaligan yaong mga tao. Higit ngang mabuting ang pagtitiwala'y kay Yahweh ibigay, kaysa pamunuan ang ating asahan. Sa aking paligid laging gumagala ang mga kaaway, winasak ko sila at lakas ni Yahweh ang naging patnubay. Kahit saang dako ako naroroon ay nakapaligid, winasak ko sila sapagkat si Yahweh ay nasa aking panig. Ang katulad nila ay mga bubuyog na sumasalakay, dagliang nasunog, sa apoy nadarang; winasak ko sila sapagkat si Yahweh ang aking sanggalang. Sinalakay ako't halos magtagumpay ang mga kaaway, subalit si Yahweh, ako'y tinutulungan. Si Yahweh ang lakas ko't kapangyarihan; siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan. Dinggin ang masayang sigawan sa tolda ng mga hinirang: “Si Yahweh ay siyang lakas na patnubay! Ang lakas ni Yahweh ang siyang nagdulot ng ating tagumpay, sa pakikibaka sa ating kaaway.” Aking sinasabing hindi mamamatay, ako'y mabubuhay ang gawa ni Yahweh, taos sa aking puso na isasalaysay. Pinagdusa ako at pinarusahan nang labis at labis, ngunit ang buhay ko'y di niya pinatid. Ang mga pintuan ng banal na templo'y inyo ngayong buksan, ako ay papasok, at itong si Yahweh ay papupurihan. Pasukan ni Yahweh ang pintuang ito; tanging makakapasok ay matuwid na tao! Aking pinupuri ikaw, O Yahweh, yamang pinakinggan, dininig mo ako't pinapagtagumpay. Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay, ang siyang naging batong-panulukan. Ginawa ito ni Yahweh at ito'y kahanga-hangang pagmasdan. O kahanga-hanga ang araw na itong si Yahweh ang nagbigay, tayo ay magalak, ating ipagdiwang! Kami ay iligtas, tubusin mo, Yahweh, kami ay iligtas! At pagtagumpayin sa layuni't hangad. Pinagpala ang dumarating sa pangalan ni Yahweh; magmula sa templo, mga pagpapala'y kanyang tatanggapin! Si Yahweh ang Diyos, pagkabuti niya sa mga hinirang. Tayo ay magdala ng sanga ng kahoy, simulang magdiwang, at tayo'y lumapit sa dambanang banal. Ikaw ay aking Diyos, kaya naman ako'y nagpapasalamat; ang pagkadakila mo ay ihahayag. O pasalamatan ang Diyos na si Yahweh, pagkat siya'y mabuti; pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman. (Alef) Mapalad ang mga taong malinis ang pamumuhay, kautusan ni Yahweh ang sinusunod araw-araw. Mapalad ang sumusunod sa kanyang patakaran, buong pusong naghahanap sa kanyang kalooban; ang gawain ay matuwid, namumuhay silang ganap, sa kanyang kalooban ay doon sila lumalakad. Ibinigay mo nga sa amin ang iyong mga utos, upang buong pagsisikap na ito'y aming masunod. Gayon ako umaasa, umaasang magiging tapat, susundin ang iyong utos, susundin nang buong ingat. Kahihiyan ay hindi ko matitikman kailanpaman, kung ako ay susunod nang tapat sa iyong kautusan. Ang matuwid mong tuntunin habang aking tinatarok, buong pusong magpupuri, pupurihin kitang lubos. Ang lahat ng iyong utos ay sisikapin kong sundin, huwag mo akong iiwanan, huwag mo akong lilisanin. (Bet) Paano mapapanatiling malinis ang pamumuhay ng sinumang tao, sa kanilang kabataan? Sa pamamagitan ng pagsunod sa banal mong kautusan. Buong puso ang hangad kong sambahin ka't paglingkuran, huwag mo akong hahayaang sa utos mo ay sumuway. Ang banal mong kautusa'y sa puso ko iingatan, upang hindi magkasala laban sa iyo kailanman. Pupurihin kita, Yahweh, ika'y aking pupurihin; ang lahat ng tuntunin mo ay ituro po sa akin. Ang lahat mong mga utos na sa aki'y ibinigay, palagi kong babanggitin, malakas kong isisigaw. Nagagalak na susundin ko ang iyong kautusan, higit pa sa kagalakang dulot nitong kayamanan. Ako'y laging mag-aaral sa lahat ng tuntunin mo, nang aking maunawaan, pagbubulay-bulayan ko. Sa bigay mong kautusa'y lubos akong nalulugod, iingatan sa puso ko upang iyo'y di malimot. (Gimmel) Itong iyong abang lingkod, O Yahweh, nawa'y pagpalain, upang ako ay mabuhay at ang utos mo ang sundin. Buksan mo ang paningin ko pagkat nananabik masdan, kabutihang idudulot sa akin ng iyong aral. Ang buhay ko sa daigdig ay pansamantala lamang, kaya huwag mong ikukubli sa akin ang kautusan. Ang puso ko'y nasasabik, at ang laging hinahangad, ang lahat ng tuntunin mo ay mabatid oras-oras. Ang mga mapagmataas, iyong pinaparusahan; at iyong isinusumpa ang sa utos mo ay laban. Sa ganitong mga tao'y ilayo mo akong ganap, yamang ang iyong kautusan ay siya kong tinutupad. Kahit ako ay usigi't labanan ng pamunuan, itong iyong abang lingkod sa utos mo'y mag-aaral. Ang buo mong kautusan sa akin ay umaaliw, siyang gurong nagpapayo sa lahat kong suliranin. (Daleth) Ako'y gapi't lupasay na sa bunton ng alikabok, sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos. Ang aking mga gawang kamalia'y pinatawad mo, ang tuntunin mo at aral, sa lingkod mo'y ituro. Tulungang maunawaan, iyong mga kautusan, iyong kahanga-hangang gawa, lubos kong pag-aaralan. Damdam ko ba sa sarili, naghahari'y pawang lungkot; sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos. Sa landas na di matuwid, huwag mo akong hahayaan, pagkat ikaw ang mabuti, ituro ang iyong aral. Ang pasya ko sa sarili, ako'y maging masunurin, sa batas mo, ang pansin ko ay doon ko ibabaling. Itong mga tuntunin mo, O Yahweh, ay sinunod ko; huwag nawang hahayaang mapahiya ang lingkod mo. Ang lahat mong mga utos, ay malugod kong susundin, dahilan sa pang-unawang ibibigay mo sa akin. (He) Ituro mo, O Yahweh, layunin ng kautusan, at iyon ang susundin ko habang ako'y nabubuhay. Ituro mo ang batas mo't sisikapin kong masunod, buong pusong iingatan at susundin ko nang lubos. Sa pagsunod sa utos mo, ako'y iyong pangunahan, pagkat dito nakakamtan ang ligayang inaasam. Itulot mong hangarin ko na sundin ang iyong utos, higit pa sa paghahangad na yumaman akong lubos. Ilayo mo ang pansin ko sa bagay na walang saysay; at ayon sa pangako mo'y pagpalain akong tunay. Tuparin mo ang pangakong ginawa sa iyong lingkod, ang pangako sa lahat ng sa iyo ay natatakot. Iligtas mo ang lingkod mo sa sinumang mapang-uyam, sa mabuting tuntunin mo, humahanga akong tunay! Ang lahat ng tuntunin mo, ang hangad ko'y aking sundin, pagkat ikaw ay matuwid, kaya ako'y pagpalain. (Vav) Sa akin ay ipadama ang dakilang pag-ibig mo, ayon sa pangako, Yahweh, iligtas mo ako; upang yaong nanlalait sa akin ay masagot ko, yamang ako'y may tiwala sa lahat ng salita mo. Tulungan mong ihayag ang mga katotohanan, pagkat ako'y may tiwala sa tapat mong kahatulan. Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan, susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay. Ako nama'y mamumuhay nang payapa at malaya, yamang ako sa utos mo'y sumusunod namang kusa. At maging sa mga hari, ang utos mo'y babanggitin, hindi ako mahihiya na ito ay aking gawin. Sa pagsunod sa utos mo nalulugod akong labis, di masukat ang galak ko, pagkat aking iniibig. Mahal ko ang iyong utos, ito'y aking ginagalang, sa aral mo at tuntunin ako'y magbubulay-bulay. (Zayin) Ang pangako sa lingkod mo, sana'y iyong gunitain, pag-asa ang idinulot ng pangako mo sa akin. Sa gitna ng kahirapan, ang nadama ko ay aliw, pagkat buhay ang natamo sa pangako mo sa akin. Labis akong hinahamak nitong mga taong hambog, ngunit di ko sinusuway ang bigay mong mga utos. Bumabalik sa gunita ang payo mo noong araw, ito, Yahweh, sa lingkod mo ang dulot ay kaaliwan. Nag-aapoy ang galit ko sa tuwing nakikita ko, yaong mga masasamang lumalabag sa batas mo. Noong ako'y mapalayo sa sarili kong tahanan, ang awiting nilikha ko ay tungkol sa kautusan. Ang ngalan mo'y nasa isip kung kumagat na ang dilim, Yahweh, aking sinisikap na utos mo'y laging sundin. Nasasalig sa pagsunod ang tunay kong kagalakan, kaya naman sinusunod ko ang iyong kautusan. (Kheth) Ikaw lamang, O Yahweh, ang lahat sa aking buhay, kaya ako'y nangangakong susundin ang kautusan. Taimtim sa aking puso, na ako ay humihiling, sang-ayon sa pangako mo ay mahabag ka sa akin. Tinanong ko ang sarili kung ano ang nararapat, ang tugon sa katanunga'y sundin ko ang iyong batas. Kaya ako'y nagdumali, upang hindi na mabalam, sa hangad kong masunod na ang bigay mong kautusan. Mga taong masasama kahit ako ay gapusin, ang bigay mong mga utos ay di pa rin lilimutin. Gumigising akong lagi pagsapit ng hatinggabi, sa matuwid mong paghatol lagi kitang pinupuri. Tapat akong kaibigan ng sa iyo'y naglilingkod, mga taong buong pusong sa utos mo'y sumusunod. Ang dakilang pag-ibig mo'y laganap sa daigdigan, ituro sa akin, Yahweh, ang banal mong kautusan. (Tet) Tinupad mo, O Yahweh, ang pangakong binitiwan, kay buti ng ginawa mo sa lingkod mong minamahal. Ako'y bigyan mo ng dunong at ng tunay na kaalaman, yamang ako'y nagtiwala sa utos mong ibinigay. Ang sariling dati-rati'y namumuhay nang baluktot, nang ako ay parusahan, salita mo ang sinunod; kay buti mo, O Yahweh! Kay ganda ng iyong loob; sa akin ay ituro mo ang bigay mong mga utos. Ang gawain nitong hambog sadyang ako ay siraan, ngunit buong puso ko ring sinusunod ang iyong aral. Ang ganoong mga tao'y sadyang kapos ng unawa, ngunit sa pagsunod sa utos mo, ako'y natutuwa. Sa akin ay nakabuti ang parusang iyong dulot, pagkat aking naunawang mahalaga ang iyong utos. Higit pa sa ginto't pilak nitong buong sanlibutan, ang mabuting idudulot ng bigay mong kautusan. (Yod) Nilikha mo ako, O Yahweh, ako'y iyong iningatan; bigyan ako ng unawa upang batas mo'y malaman. Ang sa iyo'y natatakot, kapag ako ay nakita, matutuwa sa lingkod mong sa iyo ay umaasa. Nababatid ko, O Yahweh, matuwid ang iyong batas, kahit ako'y pagdusahin, nananatili kang tapat. Aliwin mo sana ako niyang pag-ibig mong lubos, katulad ng binitiwang pangako sa iyong lingkod. Sa akin ay mahabag ka, at ako ay mabubuhay, ang lubos kong kasiyaha'y nasa iyong kautusan. Ang hambog na naninira sa lingkod mo ay hiyain, sa aral mo ako nama'y magbubulay na taimtim. Sa akin ay magsilapit ang sa iyo ay may takot, maging yaong mga tao na alam ang iyong utos. Sana'y lubos kong masunod ang buo mong kautusan, upang hindi mapahiya't tamuhin ko ang tagumpay. (Kap) Kaluluwa ko'y naghihintay ng iyong pagliligtas; lubos akong nagtiwala sa bigay mong pangungusap. Dahilan sa paghihintay lumamlam na yaring tingin, ito ngayon ang tanong ko: “Kailan mo aaliwin?” Katulad ko'y nangulubot na sisidlang yaring katad, gayon pa man, di ko pa rin nilimot ang iyong batas. Gaano bang katagal pa, ang lingkod mo maghihintay, sa parusang igagawad sa nang-usig kong kaaway? Mga taong mayayabang, mga taong masuwayin, nag-umang ng mga bitag upang ako ay hulihin. Inuusig nila ako, kahit mali ang paratang, sa batas mo'y may tiwala, kaya ako ay tulungan! Halos sila'y magtagumpay na kitlin ang aking buhay, ngunit ang iyong mga utos ay hindi ko nalimutan. Dahilan sa pag-ibig mo, O Yahweh, ako ay lingapin, at ang iyong mga utos ay masikap kong susundin. (Lamedh) Ang salita mo, O Yahweh, di kukupas, walang hanggan, matatag at di makilos sa rurok ng kalangitan. Ang taglay mong katapatan ay hindi na magbabago; ang nilikha mong daigdig, matatag sa kanyang dako. Hanggang ngayon ay matatag, pagkat ikaw ang nag-utos, alipin mo silang lahat at sa iyo'y naglilingkod. Kung ang iyong kautusa'y di bukal ng aking galak, namatay na sana ako sa dinanas na paghihirap. Ang utos mo'y susundin ko, di ito tatalikuran, pagkat dahil sa utos mo, ako ngayo'y nabubuhay. Ang lingkod mo'y iyong-iyo, kaya ako ay iligtas, ang pagsunod sa utos mo ay siya kong sinisikap. Nag-aabang ang masama, upang ako ay mapatay, ngunit ako'y magbubulay sa bigay mong kautusan. Nabatid kong sa daigdig, walang ganap na anuman, ngunit ang iyong mga utos walang hanggan yaong saklaw. (Mem) O ang iyong mga utos ay tunay kong iniibig, araw-araw, sa maghapon ay siya kong iniisip. Kasama ko sa tuwina'y yaong iyong kautusan, kaya ako'y dumurunong nang higit pa sa kaaway. Sa lahat kong mga guro, ang unawa ko ay higit, pagkat ang aral mo't turo ang laman ng aking isip. Ang taglay kong karununga'y higit pa sa matatanda, pagkat ang iyong mga utos ay hindi ko sinisira. Di ko gustong matutuhan ang ugaling masasama, ang hangad ko na masunod ay ang iyong sinalita. Hindi ako nagpabaya sa utos mo at tuntunin, pagkat ikaw ang guro ko na nagturo ng aralin. O kay tamis na namnamin ang utos mong ibinigay, matamis pa kaysa pulot lasa nitong tinataglay. Sa bigay mong mga utos, natamo ko'y karunungan, kaya ako'y namumuhi sa ugaling mahahalay. (Nun) Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay, sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw. Taimtim ang pangako kong ang utos mo ay susundin, tutupdin ko ang tuntuning iniaral mo sa akin. Labis-labis, O Yahweh, ang hirap kong tinataglay, sang-ayon sa pangako mo, pasiglahin yaring buhay. Ang handog kong pasalamat, Yahweh, sana ay tanggapin, yaong mga tuntunin mo ay ituro mo sa akin. Ako'y laging nakahandang magbuwis ng aking buhay; pagkat di ko malilimot yaong iyong kautusan. Sa akin ay mayroong handang patibong ang masasama, ngunit ang iyong kautusan ay hindi ko sinisira. Ang bigay mong mga utos, ang pamanang walang hanggan, sa puso ko'y palagi nang ang dulot ay kagalakan. Ang pasya ko sa sarili, sundin ko ang kautusan, susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay. (Samek) Ako'y galit sa sinumang sa iyo ay hindi tapat, ang tunay kong iniibig ay ang iyong mga batas. Ikaw lamang ang muog ko at matibay na sanggalang, ang pangako mo sa akin ay lubos kong aasahan. Kaya kayong masasama, ako'y inyo nang lubayan, pagkat ang utos ng Diyos, hindi ko tatalikuran. Ang lakas na pangako mo, upang ako ay mabuhay, ibigay mo't ang pag-asa ko ay hindi mapaparam. Upang ako ay maligtas, ingatan mo ako, O Diyos, ang pansin ko'y itutuon sa bigay mong mga utos. Ang lumabag sa utos mo ay lubos mong itatakwil, ang kanilang panlilinlang ay wala ring sasapitin. Sa lahat ng masasama, basura ang iyong tingin, kaya naman ang turo mo ang siya kong iibigin. Dahil sa iyo, ang damdam ko'y para akong natatakot, sa hatol mong igagawad, natatakot akong lubos. (Ayin) Ang matuwid at mabuti ay siya kong ginampanan, sa kamay ng kaaway ko, huwag mo akong pabayaan. Aming Diyos, mangako kang iingatan ang iyong lingkod, at hindi mo babayaang guluhin ng mga hambog. Malamlam na ang mata ko, sa tagal ng paghihintay, sa pangako mo sa aking tatanggapi'y kaligtasan. Sang-ayon sa pag-ibig mo, gayon ang gawing pagtingin, ang lahat ng tuntunin mo ay ituro na sa akin. Bigyan mo ng pang-unawa itong iyong abang lingkod, upang aking maunawa ang aral mo't mga utos. Panahon na, O Yahweh, upang ikaw ay kumilos, nilalabag na ng tao ang bigay mong mga utos. Mahal ko ang iyong utos nang higit pa kaysa ginto, kaysa gintong dinalisay, utos mo'y isinapuso. Kaya iyang tuntunin mo ang siya kong sinusunod, pagkat ako'y namumuhi sa anumang gawang buktot. (Pe) Lubos akong humahanga sa bigay mong mga turo; lahat aking iingata't susundin nang buong puso. Ang liwanag ng turo mo'y nagsisilbing isang tanglaw, nagbibigay dunong ito sa wala pang karanasan. Halos humihingal ako dahilan sa kasabikan, na matamo yaong aking minimithing kautusan. Ako'y iyong kahabagan, ngayon ako ay lingapin, at sa mga taong tapat, itulad mo ang pagtingin. Sang-ayon sa pangako mo, huwag mo akong hahayaang mahulog sa gawang mali at ugaling mahahalay. Sa sinumang naghahangad na ako ay alipinin, iligtas mo ang lingkod mo't ang utos mo ang susundin. Sa buhay ko'y tumanglaw ka at ako ay pagpalain, at ang iyong mga utos ay ituro mo sa akin. Parang agos na ng batis ang daloy ng aking luha, dahilan sa mga taong sa utos mo'y sumisira. (Tsade) Matuwid ka, O Yahweh, matapat ka nga at banal, matapat ang tuntunin mo sa bigay mong kautusan. Yaong mga tuntunin mong iniukol mo sa amin, sa lahat ay naaangkop, at matapat ang layunin. Nag-aapoy ang galit ko, sa puso ko'y nag-aalab, pagkat yaong kaaway ko sa utos mo'y yumuyurak. Ang pangako mo sa amin ay subok na't walang mintis, kaya naman ang lingkod mo'y labis itong iniibig. Kung ako ma'y walang saysay at kanilang itinakwil, gayon pa man, ang utos mo'y hindi pa rin lilimutin. Ang taglay mong katapatan, kailanma'y di kukupas, katuruan mo'y totoo at ito ay walang wakas. Ang buhay ko'y nalilipos ng hirap at suliranin, ngunit ang iyong kautusan ang sa aki'y umaaliw. Ang lahat ng tuntunin mo'y matuwid at walang hanggan, bigyan ako ng unawa at ako ay mabubuhay. (Qof) Buong pusong tumatawag itong iyong abang lingkod; ako'y iyong dinggin, Yahweh, at susundin ko ang utos. Tumatawag ako, Yahweh, sa iyo ay dumaraing, iligtas mo ako ngayon nang ang utos mo ay sundin. Madilim pa, ang lingkod mo ay gising na't tumatawag, sa pangako mong iniwan, pag-asa ko'y nakalagak. Hindi ako makatulog, magdamag na laging gising, at ang aking binubulay ay ang bigay mong aralin. Ako'y dinggin mo, O Yahweh, ayon sa iyong pag-ibig, iligtas mo ang buhay ko yamang ikaw ay matuwid. Palapit na nang palapit ang sa aki'y umuusig, mga taong walang galang sa utos mong sakdal tuwid. Ngunit ikaw, O Yahweh, ay malapit sa piling ko, ang pangakong binitiwan mo sa akin ay totoo. Iyang mga tuntunin mo'y matagal nang aking talos, ang utos na ginawa mo'y walang hanggang mga utos. (Resh) Ang taglay kong paghihirap ay masdan mo at lunasan, pagkat aking sinusunod ang banal mong kautusan. Ako'y iyong ipagtanggol at ako ay tubusin, dahil iyan ang pangakong binitiwan mo sa akin. Iyang mga masasama'y tiyak na di maliligtas, dahilan sa kautusang hindi nila ginaganap. Sa iyong habag, O Yahweh, ay wala nang makapantay, kaya ako ay iligtas, ayon sa iyong kapasyahan. Kay rami ng kaaway ko, at mga mapang-alipin, ngunit ang iyong kautusan ay patuloy kong susundin. Nagdaramdam akong labis kapag aking namamasdan, yaong mga taong taksil na laban sa kautusan. Nalalaman mo, O Yahweh, mahal ko ang iyong utos, iligtas mo ako ayon sa pag-ibig mong taos. Ang buod ng kautusa'y batay sa katotohanan, ang lahat ng tuntunin mo'y pawang walang katapusan. (Shin) Mga taong namumuno na kulang sa katarungan, usigin man nila ako, susundin ko'y iyong aral. Dahilan sa pangako mo, nagagalak yaring buhay, katulad ko ay taong nakatuklas noong yaman. Sa anumang di totoo muhi ako't nasusuklam, ang tunay kong iniibig ay ang iyong kautusan. Araw-araw, pitong beses akong nagpapasalamat, sa lahat ng kahatulang matuwid mong iginawad. Ang magmahal sa utos mo'y mapayapa yaong buhay, matatag ang taong ito at hindi na mabubuwal. Hinihintay kita, O Yahweh, upang ako ay iligtas, ang lahat ng iyong utos ay akin ngang tinutupad. Tinutupad ko ang utos at lahat mong mga aral, buong pusong iniibig ang buo mong kautusan. Sinusunod ko ang iyong kautusa't mga aral, ang anumang gawain ko ay kita mo't namamasdan. (Taw) O Yahweh, tanggapin mo ang daing ko na tulungan, at ayon sa pangako mo, pang-unawa ako'y bigyan. Hayaan ang dalangin ko ay dumating sa iyo, O Diyos, sang-ayon sa pangako mo, iligtas ang iyong lingkod. Ako'y laging magpupuri, lagi kitang pupurihin, pagkat ako'y tinuruan ng aral mo at tuntunin. Dahilan sa pangako mo, ako ngayon ay aawit, sapagkat ang iyong utos ay marapat at matuwid. Humanda ka sa pagtulong, ito'y aking kailangan, sapagkat ang susundin ko'y ang utos mong ibinigay. Nasasabik ako, Yahweh, sa pangakong pagliligtas, natamo ko sa utos mo, ang ligaya at ang galak. Upang ako ay magpuri, ako'y bigyan mo ng buhay, matulungan nawa ako ng tuntunin mo at aral. Para akong isang tupa na nawala at nawalay, hanapin mo ang lingkod mo, ako ngayon ay lapitan, pagkat ako ay sumunod sa lahat mong kautusan. Nang ako'y manganib, kay Yahweh dumaing, dininig niya ako sa aking dalangin. Sa taong di tapat, gawai'y manlinlang, Yahweh, iligtas mo't ako'y isanggalang. Sa kamay ng Diyos, kayong sinungaling, ano kayang parusa ang inyong kakamtin? Tutudlain kayo ng panang matalim, at idadarang pa sa may bagang uling. Ako ay kawawa; ako ay dayuhan, sa Meshec at Kedar, ako ay namuhay. Matagal-tagal ding ako'y nakapisan ng hindi mahilig sa kapayapaan. Kung kapayapaan ang binabanggit ko, pakikipagbaka ang laman ng ulo. Do'n sa mga burol, ako'y napatingin— sasaklolo sa akin, saan manggagaling? Ang hangad kong tulong, kay Yahweh magmumula, sa Diyos na lumikha ng langit at ng lupa. Di niya ako hahayaang mabuwal, siya'y di matutulog, ako'y babantayan. Ang tagapagtanggol ng bayang Israel, hindi natutulog at palaging gising! Si Yahweh ang ating Tagapag-ingat, laging nasa piling, upang magsanggalang. Di ka maaano sa init ng araw, kung gabi ay di ka sasaktan ng buwan. Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat, sa mga panganib, ika'y ililigtas. Si Yahweh ang siyang sa iyo'y mag-iingat saanman naroon, ika'y iingatan, di ka maaano kahit na kailan. Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David. Ako ay nagalak nang sabihin nila: “Pumunta na tayo sa bahay ni Yahweh.” Sama-sama kami matapos sapitin, ang pintuang-lunsod nitong Jerusalem. Itong Jerusalem ay napakaganda, matatag at maayos na lunsod siya. Dito umaahon ang lahat ng angkan, lipi ni Israel upang manambahan, ang hangad, si Yahweh ay pasalamatan, pagkat ito'y utos na dapat gampanan. Doon din naroon ang mga hukuman at trono ng haring hahatol sa tanan. Ang kapayapaan nitong Jerusalem, sikaping kay Yahweh ito'y idalangin: “Ang nangagmamahal sa iyo'y pagpalain. Pumayapa nawa ang banal na bayan, at ang palasyo mo ay maging tiwasay.” Alang-alang sa kasama at pamilya ko, sa iyo Jerusalem, ang sabi ko'y ito: “Ang kapayapaa'y laging sumaiyo.” Dahilan sa bahay ni Yahweh, ating Diyos, ang aking dalangi'y umunlad kang lubos. Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba. Ang aking pangmasid doon nakatuon, sa luklukang trono mo, O Panginoon. Tulad ko'y aliping ang inaasahan ay ang amo niya para sa patnubay, kaya tuluy-tuloy ang aming tiwala, hanggang ikaw, Yahweh, sa ami'y maawa. Mahabag ka, Yahweh, kami'y kaawaan, labis na paghamak aming naranasan. Kami'y hinahamak ng mga mayaman, laging kinukutya kahit noon pa man ng mapang-aliping taong mayayabang. Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba; katha ni David. Ano kaya't kung si Yahweh ay di pumanig sa atin; O Israel, ano kaya yaong iyong sasabihin? “Kung ang Diyos na si Yahweh, sa amin ay di pumanig, noong kami'y salakayin ng kaaway na malupit, maaaring kami noon ay nilamon na nang buháy sa silakbo ng damdamin at ng galit na sukdulan. Maaaring kami noo'y natangay na niyong agos, naanod sa karagata't tuluy-tuloy na nalunod; sa lakas ng agos noo'y nalunod nga kaming lubos. Tayo ay magpasalamat, si Yahweh ay papurihan, pagkat tayo'y iniligtas sa malupit na kaaway. Ang katulad nati'y ibong sa bitag ay nakatakas; lubos tayong nakalaya nang ang bitag ay mawasak. Tulong nating kailangan ay kay Yahweh nagmumula, pagkat itong lupa't langit tanging siya ang lumikha. Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba. Parang Bundok Zion, ang taong kay Yahweh ay nagtitiwala, kailanma'y di makikilos, hindi mauuga. Itong Jerusalem ay naliligiran ng maraming bundok, gayon nagtatanggol sa mga hinirang si Yahweh, ating Diyos. Taong masasama ay di hahayaang laging mamahala, pagkat maaaring ang mga pinili, mahawa sa sama. Ang mga mabait na tapat sumunod sa iyong kautusan, sana'y pagpalain mo sila, O Yahweh, sa kanilang buhay. Ngunit ang masama, sa kanilang hilig iyong parusahan, parusahan sila, dahil sa di wasto nilang pamumuhay. Kapayapaan para sa Israel! Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba. Nang lingapin tayo ni Yahweh at sa Zion ay ibalik, ang nangyaring kasaysaya'y parang isang panaginip. Lahat tayo ay natuwa, masasayang nagsiawit! Ang sabi ng mga bansang nagmamasid sa paligid, “Tunay na dakila, ginawa ni Yahweh para sa kanila!” Dakila ngang masasabi, pambihira ang ginawa, kaya naman kami ngayon, nagdiriwang, natutuwa! Kung paanong inuulan itong mga tuyong batis, sa sariling bayan namin, Yahweh, kami ay ibalik. Silang tumatangis habang nagsisipagtanim, hayaan mo na mag-ani na puspos ng kagalakan. Silang mga nagsihayong dala'y binhi't nananangis, ay aawit na may galak, dala'y ani pagbalik! Maliban nga na si Yahweh ang nagtatag nitong bahay, ang ginawa ng nagtayo ay wala ring kabuluhan; maliban nga na si Yahweh ang sa lunsod ay gumabay, ang pagmamasid ng bantay ay wala ring saysay. Hindi dapat pakahirap, magpagal sa hanapbuhay; maaga pa kung bumangon, gabing-gabi kung humimlay, pagkat pinagpapahinga ni Yahweh ang kanyang mahal. Kaloob nga ni Yahweh itong ating mga anak, ang ganitong mga supling, pagpapalang mayro'ng galak. Ang lalaking mga anak sa panahong kabataan, ang katulad ay palaso sa kamay ng isang kawal. Mapalad ang isang taong mapalasong tulad niyan, hindi siya malulupig, at malayo sa kahihiyan, kung sila man ng kalaban ay magtagpo sa hukuman. Mapalad ang bawat tao na kay Yahweh ay may takot, ang maalab na naisi'y sumunod sa kanyang utos. Kakainin niya ang bunga ng kanyang pinaghirapan, ang taong ito'y maligaya't maunlad ang pamumuhay. Sa tahanan, ang asawa'y parang ubas na mabunga, at bagong tanim na olibo sa may hapag ang anak niya. Ang sinuman kung si Yahweh buong pusong susundin, buhay niya ay uunlad at laging pagpapalain. Mula sa Zion, pagpapala nawa ni Yahweh ay tanggapin, at makita habang buhay, pag-unlad ng Jerusalem; ang magiging iyong apo, nawa iyong makita rin, nawa'y maging mapayapa itong bayan ng Israel! Ihayag mo, O Israel, ang ginawa ng kaaway, sa simulang usigin ka, mula pa nang kabataan! “Simula pa noong bata, ako'y di na nilubayan, mahigpit na pinag-usig, bagaman di nagtagumpay. Ako ay sinaktan nila, ang likod ko'y sinugatan, mga sugat na malalim, parang bukid na binungkal. Ngunit ang Diyos na si Yahweh, palibhasa ay matuwid, pinalaya niya ako at sa hirap ay inalis.” Nawa itong mga bansang laging namumuhi sa Zion, sa labanan ay malupig, mapahiya't mapaurong! Matulad sa mga damong tumubo sa mga bubong, natutuyong lahat ito, kahit ito'y bagong sibol, di na ito binibigkis at hindi na tinitipon. Kahit isang dumaraa'y di man lamang banggitin, “Nawa ang pagpapala ni Yahweh ay iyong tanggapin! Sa pangalan ni Yahweh, pagpapala ay iyong tanggapin!” Sa gitna ng paghihirap, kay Yahweh ay dumalangin. Panginoon, ako'y dinggin kapag ako'y tumataghoy, dinggin mo ang pagtawag ko't paghingi ng iyong tulong. Kung ikaw ay may talaan nitong aming kasalanan, lahat kami ay tatanggap ng hatol mong nakalaan. Ngunit iyong pinatawad, kasalanan ay nilimot, pinatawad mo nga kami upang sa iyo ay matakot. Sabik akong naghihintay, O Yahweh, sa iyong tugon, pagkat ako'y may tiwala sa pangako mong pagtulong. Yaring aking pananabik, Panginoon, ay higit pa sa bantay na naghihintay ng pagsapit ng umaga. Magtiwala ka, Israel, magtiwala ka kay Yahweh, matatag at di kukupas ang pag-ibig niyang dulot, lagi siyang nakahandang sa sinuman ay tumubos. Ililigtas ang Israel, bansang kanyang minamahal, ililigtas niya sila sa kanilang kasalanan. Yahweh aking Diyos, ang P8 P255 pagmamataas, tinalikuran ko't iniwan nang ganap; ang mga gawain na magpapatanyag iniwan ko na rin, di ko na hinangad. Mapayapa ako at nasisiyahan, tulad niyong sanggol sa bisig ni Inay. Kaya mula ngayon, at magpakailanman, si Yahweh lang Israel, ang dapat sandigan! Alalahanin mo, O Yahweh, si David na iyong alipin; huwag mong lilimutin ang lahat ng hirap na kanyang tiniis. Alalahanin mo ang kanyang pangakong ginawa sa iyo, O Dakilang Diyos ng bansang Israel, wika niya'y ganito: Aming nabalitaang nasa Bethlehem ang Kaban ng Tipan, sa bukid ng Jaar namin nasumpungan. Ang aming sinabi, “Ang templo ni Yahweh ay puntahan natin, sa harap ng trono siya ay sambahin!” Sa iyong tahanan, Yahweh, pumasok ka kasama ang kaban, ang kabang sagisag ng kapangyarihan. Iyong mga pari, hayaang maghayag ng iyong pagliligtas, ang mga hinirang sumigaw sa galak! Alang-alang naman sa lingkod mong si David, ang piniling hari, ay huwag mong itakwil. Ang iyong pangako, kay David mong lingkod, huwag mong babawiin, ganito ang iyong pangakong habilin: “Isa sa anak mo ang gagawing hari upang mamahala, matapos na ika'y pumanaw sa lupa. Kung magiging tapat ang mga anak mo sa bigay kong tipan, at ang mga utos ko ay igagalang, ang mga anak mo'y pawang maghaharing walang katapusan.” Pinili ni Yahweh, na maging tahanan ang Lunsod ng Zion. Ito ang wika niya: “Doon ako titira panghabang panahon, ang paghahari ko'y magmumula roon. Ang lahat ng bagay na hingin ng Zion, aking ibibigay, hindi magugutom ang dahop sa buhay. Iyong mga pari hayaang maghayag sa aking pagliligtas, ang mga hinirang sumigaw sa galak. Sa lipi ni David, ako ay kukuha ng haring dakila, upang maingatan ang pagpapatuloy ng pamamahala. Yaong kaharian niya ay uunlad at mananagana, ngunit kaaway niya'y lahat mapapahiya.” Napakaligaya at kahanga-hanga sa ating pangmasid, ang nagkakaisa't laging sama-sama na magkakapatid! Langis ng olibo, ang nakakatulad at nakakawangis, sa ulo at balbas nitong si Aaron kapag ipinahid, umaagos ito't nababasa pati ang suot na damit. Katulad din nito'y hamog sa umaga, sa Bundok ng Hermon, hamog na dumilig sa dakong maburol na Bundok ng Zion; sa lugar na ito, nangako si Yahweh, ang pangakong buhay na mananatili. Lumapit kay Yahweh, at kayo'y magpuri, mga naglilingkod sa templo kung gabi. Sa loob ng templo siya'y dalanginan, taas kamay na si Yahweh'y papurihan. Pagpalain nawa kayo ni Yahweh, Diyos na lumikha ng langit at ng lupa; magmula sa Zion, ang iyong pagpapala. Purihin si Yahweh! Ngalan niya ay purihin kayong mga lingkod niya. Kayong lahat na sa banal niyang templo'y pumapasok upang doon manambahan sa banal na bahay ng Diyos. Si Yahweh ay papurihan pagkat siya ay mabuti, ang taglay niyang kabaitan ay marapat sa papuri. Siya rin nga ang pumili kay Jacob na kanyang lingkod, ang Israel nama'y bansang pinili niya at kinupkop. Nalalaman kong si Yahweh ang Diyos na dakila, higit siya sa alinmang diyus-diyosang naglipana; anumang nais ni Yahweh sa langit man o sa lupa, at kahit sa karagatan, ang anumang panukala, ginaganap niya ito, sa sariling pagkukusa. Nilikha niya itong ulap na laganap sa daigdig, maging bagyong malalakas na may kidlat na mabilis; sa kanya rin nagmumula itong hanging umiihip. Pinuksa niya sa Egipto bawat anak na panganay, maging tao't maging hayop ang panganay ay namatay. Nagpakita siya roon ng gawang kahanga-hanga, upang kanyang pagdusahin si Farao't kanyang bansa. Marami rin naman siyang winasak na mga bansa, at maraming mga haring pawang bantog ang pinuksa. Itong haring Amoreo na si Sihon ang pangalan, at ang haring ang ngala'y Og, isang haring taga-Bashan, at iba pang mga hari na pinuksa sa Canaan. Ang lupain nila roon ay kinuha at sinamsam, ibinigay sa Israel, bayang kanyang hinirang. Ang pangalan mo, O Yahweh, ay magpakailanman, lahat ng nilikha, Yahweh, hindi ka malilimutan. Ikaw nama'y mahahabag sa lahat ng iyong lingkod, ang alipin ay lalaya sa kanilang pagkagapos. Ang mga diyos ng mga bansa'y gawa sa pilak at ginto, kamay ng mga tao ang humugis at bumuo. Oo't mayro'n silang bibig, hindi naman maibuka, mga mata'y mayroon din, hindi naman makakita; mayroon silang mga tainga, ngunit hindi makarinig, hindi sila humihinga, sa ilong man o sa bibig. Ang gumawa sa kanila, at lahat nang nagtiwala, matutulad sa idolong sila na rin ang lumikha! Si Yahweh ay papurihan, purihin siya, O Israel, maging kayong mga pari sa Diyos ay magpuri rin. Si Yahweh ay papurihan, kayong lahat na Levita, lahat kayong sumasamba ay magpuring sama-sama. Ang Diyos na nasa Zion ay sambahin at purihin, si Yahweh ay papurihan, sa templo sa Jerusalem. Purihin si Yahweh! Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! Pinakadakilang Diyos ng mga diyos ay pasalamatan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! Ang Panginoon ng mga Panginoon ay ating pasalamatan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! Dakilang himala at kababalaghan, tanging kanya lamang. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! Itong kalangitan kanyang ginawa nang buong kahusayan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! Nilikha ang lupa at pati ang tubig nitong kalaliman. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! Siya ang lumikha, siya ang gumawa, ng araw at buwan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! Nilikha ang araw upang sa maghapon ay siyang tumanglaw. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! At kanyang nilikhang pananglaw kung gabi, bituin at buwan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! Ang mga panganay ng mga Egipcio ay kanyang pinatay. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! Mula sa Egipto kanyang inilabas ang bayang hinirang. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! Ang ginamit niya'y mga kamay niyang makapangyarihan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! Ang Dagat na Pula, kanyang inutusan at nahati naman. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! Ang pinili niyang bayan ng Israel ay doon dumaan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! Ngunit nilunod niya itong Faraon at hukbong sandatahan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! Nang mailabas na'y siya ang kasama habang nasa ilang. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! Pinagpapatay niya yaong mga haring may kapangyarihan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! Maging mga haring bantog noong una ay kanyang pinatay. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! Siya ang pumatay sa haring Amoreo, ang haring si Sihon. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! Siya rin ang pumatay sa bantog na si Og, ang hari ng Bashan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! Ang lupain nila'y ipinamahagi sa kanyang hinirang. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! Ipinamahagi niya sa Israel, bayang minamahal. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! Di niya nilimot nang tayo'y malupig ng mga kaaway. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! Pinalaya tayo, nang tayo'y masakop ng mga kalaban. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! Lahat ng pagkain ng tao at hayop, siya'ng nagbibigay. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! Ang Diyos nitong langit ay dapat purihin at pasalamatan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! Sa pampang ng mga ilog nitong bansang Babilonia, kami'y nakaupong tumatangis, sa tuwing Zion, aming naaalala. Sa sanga ng mga kahoy, sa tabi ng ilog nila, isinabit namin doon, yaong dala naming lira. Sa amin ay iniutos ng sa amin ay lumupig, na aliwin namin sila, ng matamis naming tinig, tungkol sa Zion, yaong paksa, niyong nais nilang awit. Ang awit para kay Yahweh, pa'no namin aawitin, samantalang kami'y bihag sa lupaing hindi amin? Ayaw ko nang ang lira ko'y hawakan pa at tugtugin, kung ang bunga sa pagtugtog, limutin ang Jerusalem; di na ako aawit pa, kung ang aking sasapitin sa isip ko't alaala, ika'y ganap na limutin, kung ang kaligayahan ko ay sa iba ko hahanapin. Yahweh, sana'y gunitain, ginawa ng Edomita, nang ang bayang Jerusalem ay malupig at makuha; sumisigaw silang lahat na ang wikang binabadya: “Iguho na nang lubusan, sa lupa ay ibagsak na!” Tandaan mo, Babilonia, ika'y tiyak wawasakin, dahilan sa ubod sama ang ginawa mo sa amin; yaong taong magwawasak, mapalad na ituturing kung ang inyong mga sanggol kunin niya at durugin! Yahweh, ako'y buong pusong aawit ng pasalamat, sa harap ng ibang diyos, pupurihin kitang ganap. Sa harap ng iyong templo ay yuyukod at gagalang, pupurihin kita roon, pupurihin ang iyong ngalan; dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan, ika'y tunay na dakila, pati iyong kautusan. Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo, sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako. Dahilan sa pangako mong narinig ng mga hari, pupurihin ka ng lahat at ika'y ipagbubunyi; ang lahat ng ginawa mo ay kanilang aawitin, at ang kadakilaan mo ay kanilang sasambitin. Kung ang Diyos mang si Yahweh ay dakila at mataas, hindi niya nililimot ang abâ at mahihirap; kumubli ma'y kita niya ang hambog at ang pasikat. Kahit ako'y nagdaranas ng maraming suliranin, ako'y walang agam-agam, panatag sa iyong piling. Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway, ligtas ako sa piling mo, sa lakas na iyong taglay. O Diyos, mga pangako mo'y tinutupad mo ngang lahat, ang dahilan nito, Yahweh, pag-ibig mo'y di kukupas, at ang mga sinimulang gawain mo'y magaganap. Ako'y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay, ang lahat kong lihim, Yahweh, ay tiyak mong nalalaman. Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid, kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip. Ako'y iyong nakikita, gumagawa o hindi man, ang lahat ng gawain ko'y pawang iyong nalalaman. Di pa ako umiimik, yaong aking sasabihi'y alam mo nang lahat iyon, lahat ay di malilihim. Ika'y laging kapiling ko, katabi ko oras-oras, ang likas mong kalakasan ang sa aki'y nag-iingat. Nagtataka ang sarili't alam mo ang aking buhay, di ko kayang unawain iyang iyong karunungan. Saan ako magpupunta, upang ako'y makatakas? Sa iyo bang Espiritu, ako ba'y makakaiwas? Kung langit ang puntahan ko, tiyak na naroroon ka, sa daigdig ng mga patay, humimlay man ako'y ikaw din ang kasama; kung ako ay makalipad, umiwas na pasilangan, o kaya ang tirahan ko'y ang duluhan ng kanluran; tiyak ikaw ay naroon, upang ako'y pangunahan, matatagpo kita roon upang ako ay tulungan. Kung ang aking pagtaguan ay ang dilim na pusikit, padiliming parang gabi ang liwanag sa paligid; maging itong kadiliman sa iyo ay hindi dilim, at sa iyo yaong gabi'y parang araw na maningning, madilim ma't maliwanag, sa iyo ay pareho rin. Ang anumang aking sangkap, ikaw O Diyos ang lumikha, sa tiyan ng aking ina'y hinugis mo akong bata. Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan, ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay; sa loob ng aking puso, lahat ito'y nakikintal. Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin, sa loob ng bahay-bata doo'y iyong napapansin; lumalaki ako roong sa iyo'y di nalilihim. Ako'y iyong nakita na, hindi pa man isinilang, batid mo kung ilang taon ang haba ng aking buhay; pagkat ito'y nakatitik sa aklat mo na talaan, matagal nang balangkas mong ikaw lamang ang may alam. Tunay, Yahweh, di ko kayang maabot ang iyong isip, ang dami ng iyong balak ay hindi ko nababatid; kung ito ay bibilangin, ay sindami ng buhangin, sasaiyo pa rin ako kung umaga na magising. Ang hangad ko, aking Diyos, patayin mo ang masama, at ang mga mararahas ay iwanan akong kusa. Mayroon silang sinasabing masasama laban sa iyo, at kanilang dinudusta, pati na ang pangalan mo. Lubos akong nasusuklam sa sinumang muhi sa iyo, ang lahat ng nag-aalsa laban sa iyo'y di ko gusto. Lubos akong nagagalit, lubos din ang pagkasuklam, sa ganoong mga tao ang turing ko ay kaaway. O Diyos, ako'y siyasatin, alamin ang aking isip, subukin mo ako ngayon, kung ano ang aking nais; kung ako ay hindi tapat, ito'y iyong nababatid, sa buhay na walang hanggan, samahan mo at ihatid. Sa mga masama ako ay iligtas, iligtas mo, Yahweh, sa mga marahas; sila'y nagpaplano at kanilang hangad palaging mag-away, magkagulo lahat. Mabagsik ang dila na tulad ng ahas, tulad ng ulupong, taglay na kamandag. (Selah) Sa mga masama ako ay iligtas; iligtas mo, Yahweh, sa mga marahas, na ang nilalayon ako ay ibagsak. Taong mga hambog, ang gusto sa akin, ako ay masilo, sa bitag hulihin, sa bitag na umang sa aking landasin. (Selah) Sabi ko kay Yahweh, “Ikaw ang aking Diyos.” Kaya ako'y dinggin sa aking pagdulog. Panginoong Yahweh, na Tagapagligtas, nang ako'y lusubin, ikaw ang nag-ingat. Taong masasama, sa kanilang hangad ay iyong hadlangan, biguin mo agad. (Selah) Ang mga kaaway, huwag pagtagumpayin, pagdusahin sila sa banta sa akin, Bagsakan mo sila ng apoy na baga, itapon sa hukay nang di makaalsa. At ang mga taong gawai'y mangutya, huwag pagtagumpayin sa kanilang nasa; ang marahas nama'y bayaang mapuksa. Batid ko, O Yahweh, iyong papanigan ang mga mahirap, upang isanggalang, at pananatilihin ang katarungan. Ang mga matuwid magpupuring tunay, ika'y pupurihi't sa iyo mananahan! Sa iyo, O Yahweh, ako'y dumadalangin sa aking pagtawag, ako sana'y dinggin. Ang aking dalangin sana'y tanggapin mo, masarap na samyong handog na insenso; itong pagtaas ng mga kamay ko. O Yahweh, bibig ko ay iyong bantayan, ang mga labi ko'y lagyan mo ng bantay. Huwag mong babayaang ako ay matukso, sa gawang masama ay magumon ako; ako ay ilayo, iiwas sa gulo, sa handaan nila'y nang di makasalo. Pagkat may pag-ibig, ang mabuting tao puwedeng magparusa't pagwikaan ako, ngunit ang masama ay hindi ko ibig na ang aking ulo'y buhusan niya ng langis; pagkat ang dalangin at lagi kong hibik, ay laban sa gawa niyang malulupit. Kung sila'y bumagsak tuloy na hatulan, maniniwala na ang mga nilalang na ang salita ko ay katotohanan. Tulad ng panggatong na pira-piraso, sa pinaglibinga'y kakalat ang buto. Di ako hihinto, sa aking pananalig, ang pag-iingat mo'y aking ninanais, huwag mong itutulot, buhay ko'y mapatid. Sa mga patibong ng masamang tao, ilayo mong lubos, ingatan mo ako. Iyong pabayaang sila ang mahulog, samantalang ako'y ligtas mong kinupkop. O Yahweh, ako ay humingi ng tulong, ako'y maghihintay sa iyong pagtugon; ang aking dinala'y lahat kong hinaing, at ang sinabi ko'y pawang suliranin. Nang ako ay halos wala nang pag-asa, ang dapat kong gawi'y nalalaman niya. Sa landas na aking pinagdaraanan, may handang patibong ang aking kaaway. Sa aking paligid, nang ako'y lumingon, wala ni isa man akong makatulong; wala kahit isa na magsasanggalang, ni magmalasakit na kahit sinuman. Ako ay humibik, kay Yahweh dumaing, sa Tagapagligtas, ako'y dumalangin; tunay na ikaw lang mahalaga sa akin. Dinggin ang hibik ko, ako ay tulungan, pagkat halos ako'y di makagulapay; iligtas mo ako sa mga kaaway, na mas malalakas ang mga katawan. Sa suliranin ko, ako ay hanguin, at ang pangalan mo'y aking pupurihin, sa gitna ng madlang mga lingkod mo rin sa kabutihan mong ginawa sa akin! Dinggin mo, O Yahweh, ang aking dalangin, tapat ka't matuwid, kaya ako'y dinggin. Itong iyong lingkod, huwag mo nang subukin, batid mo nang lahat, kami ay salarin. Ako ay tinugis ng aking kaaway, lubos na nilupig ng aking kalaban; sa dilim na dako, ako ay nakulong, tulad ko'y patay nang mahabang panahon. Ang kaluluwa ko'y halos sumuko na, sapagkat ang buhay ko'y wala nang pag-asa. Araw na lumipas, aking nagunita, at naalala ang iyong ginawa, sa iyong kabutihan, ako ay namangha! Ako'y dumalangin na taas ang kamay, parang tuyong lupa ang diwa kong uhaw. (Selah) Nawala nang lahat ang aking pag-asa, kaya naman, Yahweh, ako'y dinggin mo na! Kung ika'y magkubli, baka ang hantungan ako ay ituring na malamig na bangkay, at ang tunguhin ko'y madilim na hukay. Ako ay umasa, sa iyo nagtiwala, sa pagsapit ng umaga ay ipagugunita yaong pag-ibig mo na lubhang dakila. Ang aking dalangin na sa iyo'y hibik, patnubayan ako sa daang matuwid. Iligtas mo ako sa mga kalaban, ikaw lang, O Yahweh, ang aking kanlungan. Ikaw ang aking Diyos, ako ay turuan na aking masunod ang iyong kalooban; ang Espiritu mo'y maging aking tanglaw sa aking paglakad sa ligtas na daan. Ikaw ay nangakong ako'y ililigtas, pagkat dakila ka, iligtas mo agad; iligtas mo ako sa mga bagabag. Dahilan sa iyong pagtingin sa akin, ang mga kaaway ko'y iyong lipulin; ang nagpapahirap sa aki'y wasakin, yamang ang lingkod mo ay iyong alipin. Purihin si Yahweh na aking kanlungan, sa pakikibaka, ako ay sinanay; inihanda ako, upang makilaban. Matibay kong muog at Tagapagligtas, at aking tahanang hindi matitinag; Tagapagligtas kong pinapanaligan, nilulupig niya sakop kong mga bayan. O Yahweh, ano nga ba naman ang tao? At pinagtutuunan mo siya ng pansin? Katulad ay ulap na tangay ng hangin, napaparam siya na tulad ng lilim. Langit mong tahanan ay iyong hubugin, Yahweh, lisanin mo't bumabâ sa amin; mga kabundukan ay iyong yanigin, lalabas ang usok, aming mapapansin. Ang maraming kidlat ay iyong suguin, lahat ng kaaway iyong pakalatin; sa pagtakas nila ay iyong tudlain! Abutin mo ako at iyong itaas, sa kalalimang tubig ako ay iligtas; ipagsanggalang mo't nang di mapahamak sa mga dayuhang may taglay na lakas, Ubod sinungaling na walang katulad, kahit ang pangako'y pandarayang lahat. O Diyos, may awitin akong bagung-bago, alpa'y tutugtugin at aawit ako. Tagumpay ng hari ay iyong kaloob, at iniligtas mo si David mong lingkod. Iligtas mo ako sa mga malupit kong kaaway; sa kapangyarihan ng mga banyaga ay ipagsanggalang; sila'y sinungaling, di maaasahan, kahit may pangako at mga sumpaan. Nawa ang ating mga kabataan lumaking matatag tulad ng halaman. Ang kadalagaha'y magandang disenyo, kahit saang sulok ng isang palasyo. At nawa'y mapuno, mga kamalig natin ng lahat ng uri ng mga pagkain; at ang mga tupa'y magpalaanakin, sampu-sampung libo, ito'y paramihin. Mga kawan natin, sana'y dumami rin at huwag malagas ang kanilang supling; sa ating lansangan, sana'y mawala na ang mga panaghoy ng lungkot at dusa! Mapalad ang bansang kanyang pinagpala. Mapalad ang bayang si Yahweh'y Diyos na dinadakila! Ang kadakilaan ng Diyos ko at Hari, aking ihahayag, di ko titigilan magpakailanman ang magpasalamat, aking pupurihi't pasasalamatan siya araw-araw, di ako titigil ng pasasalamat magpakailanman. Dakila ka, Yahweh, at karapat-dapat na ika'y purihin; kadakilaan mo'y tunay na mahirap naming unawain. Sa alinmang lahi, ang iyong ginawa ay papupurihan, ihahayag nila ang mga gawa mong makapangyarihan. Ang karangalan mo at pagkadakila'y ipamamalita, at isasaysay ko ang mga gawa mo na kahanga-hanga. Ang mga gawa mong makapangyariha'y ipamamalita; sa lahat ng tao'y aking sasabihing ikaw ay dakila. Ihahayag nila ang lahat ng iyong mga kabutihan, aawitin nila nang may kagalakan ang iyong katuwiran. Si Yahweh'y mapagmahal at puno ng habag, hindi madaling magalit, ang pag-ibig ay wagas. Siya ay mabuti at kahit kanino'y hindi nagtatangi; sa kanyang nilikha, pagkalinga niya ay mamamalagi. Magpupuring lahat sa iyo, O Yahweh, ang iyong nilalang; lahat mong nilikha ay pupurihin ka't pasasalamatan. Babanggitin nilang tunay na dakila ang iyong kaharian, at ibabalitang tunay kang dakila't makapangyarihan. Dakila mong gawa'y upang matalastas ng lahat ng tao, mababatid nila ang kadakilaan ng paghahari mo. Ang paghahari mo'y sadyang walang hanggan, hindi magbabago. Di ka bibiguin sa bawat pangako pagkat ang Diyos ay tapat, ang kanyang ginawa kahit ano ito ay mabuting lahat. Siya'y tumutulong sa lahat ng tao na may suliranin; at sa pagkalugmok, sa panghihina ay kanyang hahanguin. Lahat ng mga buháy ay tanging si Yahweh ang inaasahan, siyang nagdudulot ng pagkain nilang kinakailangan. Binibigyan sila nang sapat na sapat, hindi nagkukulang; anupa't ang lahat ay may tinatanggap na ikabubuhay. Matuwid si Yahweh sa lahat ng bagay niyang ginagawa; kahit anong gawin ay kalakip ang masagana niyang awa. Siya'y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao, sa sinumang taong pagtawag sa kanya'y tapat at totoo. Bawat kailangan ng taong tapat at may takot sa kanya, kanyang tinutugon, at kung nagigipit hinahango sila. Yaong umiibig sa kanya ng lubos ay iniingatan; ngunit ang masama'y wawasakin niya't walang mabubuhay. Aking pupurihin ang Diyos na si Yahweh, habang nabubuhay, sa ngalan niyang banal, lahat ay magpuri magpakailanman! Purihin si Yahweh! Purihin mo si Yahweh, O aking kaluluwa! Pupurihin siya't aking aawitan; aking aawitan habang ako'y buháy. Sa mga pangulo'y huwag kang manghahawak, kahit sa kaninong di makapagligtas; kung sila'y mamatay, balik sa alabok, kahit anong plano nila'y natatapos. Mapalad ang tao, na ang kanyang Diyos na laging katulong ay ang Diyos ni Jacob; sa Diyos na si Yahweh, umaasang lubos, sa Diyos na lumikha niyong kalangitan, ng lupa at dagat, at lahat ng bagay. Ang kanyang pangako ay maaasahan. Panig sa naaapi, kung siya'y humatol, may pagkaing handa, sa nangagugutom. Pinalaya niya ang mga nabihag; isinasauli, paningin ng bulag; lahat ng inapi ay itinataas, ang mga hinirang niya'y nililingap. Isinasanggalang ang mga dayuhang sa lupain nila'y doon tumatahan; tumutulong siya sa balo't ulila, ngunit sa masama'y parusa'ng hatid niya. Walang hanggang Hari, ang Diyos na si Yahweh! Ang Diyos mo, Zion, ay mananatili! Purihin si Yahweh! Purihin si Yahweh! O kay sarap umawit at magpuri sa ating Diyos, ang magpuri sa kanya'y tunay na nakalulugod. Ang lunsod ng Jerusalem, muli niyang ibabalik, sa kanyang mga lingkod, na natapon at nalupig. At ang mga pusong wasak ay kanya ring lulunasan, ang natamo nilang sugat ay bibigyang kagalingan. Alam niya't natitiyak ang bilang ng mga bituin, isa-isang tinatawag, sa pangala'y itinuring. Si Yahweh na ating Diyos ay dakila at malakas, taglay niyang karunungan, hinding-hindi masusukat. Taong mapagpakumbabá'y siya niyang itataas, ngunit lahat ng mayabang sa lupa ay ibabagsak. Umawit ng mga imno at si Yahweh ay purihin, purihin ang ating Diyos at ang alpa ay tugtugin. Ang ulap sa kalangitan ay siya ang naglalatag, itong lupa'y dinidilig ng saganang tubig-ulan, sa bundok at gubat nama'y, mga damo'y binubuhay. Pagkain ng mga hayop, siya rin ang nagbibigay, pinapakain nga niya nagugutom na inakay. Hindi siya nalulugod sa kabayong malalakas, kahit mga piling kawal hindi siya nagagalak. Ngunit sa may pagkatakot, kasiyahan niya'y labis, sa kanilang may tiwala sa matatag niyang pag-ibig. Purihin si Yahweh, mga taga-Jerusalem! Purihin mo ang iyong Diyos, kayong mga taga-Zion! Pagkat mga pintuan mo ay siya ang nag-iingat, ang anak mo't mga lingkod, pinagpala niyang lahat. Ginagawang mapayapa ang iyong hangganan, sa kaloob niyang trigo, bibigyan kang kasiyahan. Kapag siya'y nag-uutos, agad itong natutupad, dumarating sa daigdig, na hindi na nagluluwat. Singkapal ng damit-tupa mga yelong pumapatak, para itong alikabok na sa lupa'y nalalaglag. Mga yelong buo-buo, sinlaki ng munting bato, lumalagpak, na ang lamig di matiis kahit sino. Ang yelo ay natutunaw, sa isa lang niyang utos, umiihip ang hangin at ang tubig ay umaagos. Kay Jacob niya ibinigay ang lahat ng tagubilin, ang tuntuni't mga aral, ibinigay sa Israel. Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa, pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda. Purihin si Yahweh! Purihin si Yahweh! Purihin ang Diyos, nitong kalangitan, kayo sa itaas siya'y papurihan. Ang lahat ng anghel, magpuri't magdiwang, kasama ang hukbo roong karamihan! Ang araw at buwan, siya ay purihin, purihin din siya ng mga bituin, mataas na langit, siya ay purihin, tubig sa itaas, gayon din ang gawin! Siya ang may utos na kayo'y likhain, kaya ang ngalan niya ay dapat purihin. Kanyang itinatag, kanilang kinalagyan, hindi magbabago magpakailanpaman. Purihin n'yo si Yahweh, buong sanlibutan, maging dambuhala nitong karagatan. Ulan na may yelo, kidlat pati ulap, malakas na hangin, sumunod na lahat! Pagpupuri kay Yahweh lahat ay mag-ukol. Mga kabundukan, mataas na burol, malawak na gubat, mabubungang kahoy; hayop na maamo't mailap na naroon, maging hayop na gumagapang at mga ibon. Pupurihin siya ng lahat ng tao, hari at prinsipe, lahat ng pangulo; babae't lalaki, mga kabataan, matatandang tao't kaliit-liitan. Sa ngalan ni Yahweh, magpuri ang lahat, ang kanyang pangala'y pinakamataas; sa langit at lupa'y maluwalhating ganap. Siya'ng nagpalakas sa sariling bansa, kaya pinupuri ng piniling madla, ang bayang Israel, mahal niyang lubha! Purihin si Yahweh! Purihin si Yahweh! O si Yahweh ay purihin, awitan ng bagong awit, purihin sa pagtitipon nitong mga tapat sa kanya. Magalak ka, O Israel, dahilan sa Manlilikha; dahilan sa iyong hari, ikaw Zion ay matuwa. Purihin sa pagsasayaw, purihin ang kanyang ngalan; alpa't tambol ay tugtugin, at siya ay papurihan. Si Yahweh ay nagagalak sa kanyang mga hirang, sa mga mapagpakumbabá'y tagumpay ang ibibigay. Sa tagumpay na natamo, magalak ang mga hirang, sa kanilang pagdiriwang ay magsaya't mag-awitan. Papuri sa ating Diyos, ipahayag nang malakas, hawak-hawak ang espadang dobleng-talim at matalas, upang bawat mga bansang nagmalabis ay gantihan, at bigyan ang mamamayan ng parusang kailangan. Mga hari't maharlika ay kanilang bibihagin, sa tanikalang bakal, silang lahat ay gagapusin, upang sila ay hatulan sang-ayon sa itinakda. Ito ang siyang karangalan ng kanyang pinagpala. Purihin si Yahweh! Purihin si Yahweh! Sa banal na templo, ang Diyos ay awitan, purihin sa langit ang lakas na taglay! Siya ay purihin sa kanyang ginawa, siya ay purihin, sapagkat dakila. Purihin sa tugtog ng mga trumpeta, awitan sa saliw ng alpa at lira! Sa tugtog ng tambol, magsayaw, purihin, mga alpa't plauta, lahat ay tugtugin! Ang Diyos ay purihin sa tugtog ng pompiyang, sa lakas ng tugtog siya'y papurihan. Purihin si Yahweh lahat ng nilalang! Purihin si Yahweh! Ang mga kawikaan ni Solomon na anak ni David, hari ng Israel. Sa pamamagitan nito, ang tao'y magtatamo ng karunungan at pang-unawa sa mga salitang puno ng aral sa buhay. Itinuturo nito ang matuwid na paraan ng pamumuhay, katuwiran, katarungan, at katapatan. Mabibigyan nito ng talino ang mga walang karanasan, at ang mga kabataa'y matuturuang magpasya nang tama. Sa pamamagitan nito, lalong tatalino ang matalino at magiging dalubhasa ang kakaunti ang kaalaman. Sa gayon, lubos nilang mauunawaan ang mga kawikaan, gayon din ang palaisipan ng mga marurunong. Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay pasimula ng karunungan, ngunit walang halaga sa mga mangmang ang aral at mga saway. Anak ko, dinggin mo ang aral ng iyong ama, at huwag ipagwalang-bahala ang turo ng iyong ina; sapagkat ang mga iyon ay parang korona sa iyong ulo, parang kuwintas na may dalang karangalan. Aking anak, sakali mang akitin ka ng mga makasalanan, huwag kang papayag, tanggihan mo sila. Kung sabihin nilang, “Halika't tayo ay mag-abang, bilang katuwaa'y daluhungin ang mga walang malay. Sila'y ating dudumugi't walang awang papatayin, at sila ay matutulad sa patay na ililibing. Ating sasamsamin ang lahat nilang kagamitan, bahay nati'y mapupuno ng malaking kayamanan. Halika at sa amin ikaw nga ay sumama, lahat ng masasamsam, bibigyan ang bawat isa.” Aking anak, sa kanila ay iwasan mong makisama, umiba ka ng landas mo, papalayo sa kanila. Ang lagi nilang hangad, gumawa ng kasamaan, sa tuwina ang bisig ay nakahanda sa pagpatay. Sa pag-uumang ng bitag ay walang mangyayari, kung nakikita ng ibon na nais mo siyang mahuli. Ngunit hindi nalalaman ng mga taong iyon, bitag nila ang sisilo sa sarili nilang ulo. Ganyan ang uuwian ng nabubuhay sa karahasan, sa ganyan nga magwawakas ang masamang pamumuhay. Karununga'y umaalingawngaw sa mataong lansangan, tinig niya'y nangingibabaw sa lugar ng pamilihan. Ito'y lumalampas sa mataas na mga muog, ang ugong niya'y naririnig sa pintuan nitong lunsod: “Taong mangmang, walang hustong kaalaman, hanggang kailan ka tatagal sa abâ mong kalagayan? Hanggang kailan ka mananatili sa iyong kamangmangan? Kailan mo pa iisiping maghanap ng kaalaman? Ang payo ko ay pakinggan n'yo at dinggin ang aking pangaral; sasainyo ang diwa ko at ang aking kaalaman. Patuloy nga itong mga panawagan ko sa inyo, ngunit hindi ninyo pansin pati mga saway ko. Winalang-bahala n'yo ang aking mga payo, ayaw ninyong bigyang pansin, paalala ko sa inyo. Dahil dito, kayo'y aking tatawanan, kapag kayo'y napahamak, nasadlak sa kaguluhan. Kapag kayo ay hinampas ng bagyo nitong buhay, dinatnan ng kahirapan, ipu-ipo ang larawan, at kung datnan kayo ng hapis at matinding dalamhati, sa araw na iyon ay di ko papakinggan ang inyong panawagan. Hahanapin ninyo ako ngunit hindi masusumpungan. Pagkat itong karunungan ay di ninyo pinahahalagahan, kay Yahweh ay di sumunod nang may lakip na paggalang. Inyo pa ngang tinanggihan itong aking mga payo, itinapong parang dumi itong paalala ko. Kaya nga, inyong aanihin ang bunga ng inyong gawa, at kayo ay uusigin ng inyong pagnanasang ubod sama. Katigasan ng ulo ang papatay sa mangmang, sa dusa ay masasadlak sa kawalan ng kaalaman. Ngunit ang makinig sa akin, mananahan nang tiwasay, mabubuhay nang payapa, walang katatakutan.” Aking anak, ang mga pangaral ko ay dinggin mo, at ang aking mga utos, ingatan nga at sundin mo. Ang pakinig mo'y ibaling sa wastong karunungan, at ito ay isipin nang iyong maunawaan. Pagsikapan mong hanapin ang tunay na kaalaman, pang-unawa'y pilitin mong makita at masumpungan. Kung ito ay parang pilak na iyong hahanapin, at tulad ng ginto, na iyong miminahin, malalaman mo kung ano ang kahulugan ng paggalang at pagsunod kay Yahweh, at matatamo ang kaalaman tungkol sa Diyos. Sapagkat si Yahweh ang nagkakaloob ng karunungan, sa bibig niya ang kaalaman at unawa'y bumubukal. Bibigyan niya ng unawa ang matuwid ang pamumuhay, at ang taong matapat ay kanyang iingatan. Binabantayan niya ang daan ng katarungan, at ang lakad ng lingkod niya'y kanyang sinusubaybayan. Kaya nga, iyong mauunawaan ang katuwiran at katarungan, at iyong susundan ang landas ng kabutihan. Lalawak ang karunungang matatanim sa isipan, madadama ang kasiyahang dulot nitong kaalaman. Ang natamong kaalaman sa iyo ay mag-iingat, ang unawa'y maglilihis sa liku-likong landas. Ilalayo ka nito sa masamang pamumuhay, at doon sa mga taong ang nais ay kaguluhan; ilalayo ka rin nito sa mga tampalasan, na ang landas na pinili ay landas ng kadiliman, mga taong ang hilig ay paggawa ng kasamaan, ang kanilang kasiyaha'y pawang walang kabuluhan. Sa ugaling taglay nila'y di sila maaasahan, sila ay hindi tapat, hindi mapagkakatiwalaan. Malalayo ka sa babaing mahalay, at sa kanyang pang-aakit ay hindi ka maaakay. Siya ay babaing hindi tapat sa asawa; ang sumpaan sa altar ay binale-wala niya. Kaya naman ang landas niya'y patungo sa kamatayan, at ang kanyang buhay ay tungo sa kawakasan. Sinumang maakit niya ay tuluyang natatangay, at hindi na makakabalik sa maayos na pamumuhay. Kaya nga, tahakin mo ang landas ng kabutihan, huwag itong hiwalayan hanggang hininga ay mapatid. Pagkat ang mabuting tao'y magtatagal sa daigdig, ang may buhay na matapat ay hindi matitinag. Ngunit ang masama sa lupai'y mawawala, bubunutin pati ugat ng lahat ng mandaraya. Anak ko, ang aral ko ay huwag mong lilimutin, lahat ng aking utos sa isipan mo'y itanim; upang araw mo'y tumagal, humaba ang iyong buhay, at maging masagana sa lahat ng kailangan. Pananalig at katapata'y huwag mong tatalikuran, ikuwintas sa iyong leeg at itanim sa isipan. Sa gayon, malulugod sa iyo ang Diyos, at kikilalanin ka ng mga tao. Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan. Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin, upang ika'y patnubayan sa iyong mga tatahakin. Huwag mong ipagyabang ang iyong nalalaman; igalang mo't sundin si Yahweh, at lumayo ka sa kasamaan. Sa gayon, ikaw ay lalakas at magiging matatag, mawawala ang pighati, gagaling ang iyong sugat. Parangalan mo si Yahweh sa pamamagitan ng iyong mga kayamanan, at mula sa iyong mga pinakamainam na ani, siya ay iyo ring handugan. Sa gayon, kamalig mo ay lagi nang aapaw, sisidlan ng inumin ay hindi nga matutuyuan. Aking anak, ang saway ni Yahweh ay huwag mamaliitin, at ang kanyang pagtutuwid ay huwag mong itakwil, pagkat lahat ng mahal niya'y itinatama ng daan, tulad ng anak na minamahal, sinasaway ng magulang. Mapalad ang isang taong nakasumpong ng karunungan, at ang taong nagsisikap, unawa ay nagtatamo. Higit pa sa pilak ang pakinabang dito, at higit sa gintong lantay ang tubo nito. Sa alinmang alahas ay higit ang karunungan, at walang kayamanang dito ay maipapantay. Mahabang buhay ang dulot ng kaalaman, may taglay na kayamanan at may bungang karangalan. Maaliwalas ang landas ng taong may kaalaman, at puno ng kapayapaan ang lahat niyang araw. Mapalad nga ang taong may taglay na karunungan, para siyang punongkahoy na mabunga kailanman. Karunungan ang ginamit ni Yahweh sa paglikha sa daigdig, sa pamamagitan ng talino, inayos niya ang buong langit. Dahil sa kaalaman niya'y umaagos itong tubig, pumapatak nga ang ulan mula doon sa langit. Aking anak, karunungan at hinahon ay huwag mong iwawala, huwag babayaang makaalpas sa isipan at gunita. Pagkat dulot nito'y masagana at marangal na pamumuhay. At kung magkagayo'y lalakad kang matiwasay, sa landas mo'y hindi ka matatalisod. Sa lahat ng iyong lakad wala kang aalalahanin, at lahat ng pagtulog mo ay masarap at mahimbing. Kahit hampas nitong bagyo ay dumating nang biglaan, hindi ka mababagabag tulad ng mga mangmang. Pagkat tiwala kang si Yahweh ang kaagapay mo, at di niya hahayaang sa bitag ika'y masilo. Ang kagandahang-loob ay huwag ipagkait sa kapwa, kung ika'y may kakayahan na ito ay magawâ. Kung mayroon ka ngayon ng kanyang kailangan, huwag nang sasabihing, “Bumalik ka't bukas ibibigay.” Huwag gagawan ng masama ang iyong kaibigan na sa iyo'y umaasa, at may tiwalang lubusan. Huwag makikipag-away nang walang sapat na dahilan, kung hindi ka ginagawan ng anumang kasamaan. Huwag kang maiinggit sa taong marahas ni lalakad man sa masama niyang landas. Pagkat si Yahweh ay nasusuklam sa mga isipang baluktot, ngunit nalulugod siya sa taong sa kanya ay may takot. Ang sumpa ni Yahweh ay di lalayo sa masama, ngunit ang mga banal ay kanyang pinagpapala. Ang mga palalo'y kanyang kinasusuklaman, ngunit kinaluluguran niya ang may mababang kalooban. Ang taong matalino'y magkakamit-karangalan, ngunit puro kahihiyan ang aanihin ng mangmang. Dinggin ninyo, mga anak, ang turo ng inyong ama, sasainyo ang unawa kung laging diringgin siya. Pagkat tiyak na mabuti itong aking sinasabi, kaya't aking mga katuruan huwag mong isantabi. Noong ako ay bata pa, nasa kupkop pa ni ama, batambata, walang malay, tanging anak nga ni ina, itinuro niya sa akin at kanyang sinabi, “Sa aking mga aral buong puso kang manangan, sundin mo ang aking utos at ikaw ay mabubuhay. Salita ko'y huwag mong lilimutin o tatalikuran, ang pang-unawa at karunungan, sikaping makamtan. Huwag mo itong pabayaan at ika'y kanyang iingatan, huwag mo siyang iiwanan at ika'y kanyang babantayan. Unahin mo sa lahat, pagtuklas ng karunungan, ito'y pilitin mong matamo kahit gaano kamahal. Karununga'y pahalagahan at ika'y kanyang itataas, bibigyan kang karangalan kapag iyong niyakap. Siya'y korona sa ulo, sakdal ganda, anong inam, at putong ng kaluwalhatian sa iyong katauhan.” Makinig ka, aking anak, payo ko ay tanggapin, lalawig ang iyong buhay, maraming taon ang bibilangin. Ika'y pinatnubayan ko sa daan ng karunungan, itinuro ko sa iyo ang daan ng katuwiran. Hindi ka matatalisod sa lahat ng iyong hakbang, magmabilis man ng lakad ay hindi ka mabubuwal. Panghawakan mo nga ito at huwag pabayaan, ito ay ingatan mo pagkat siya'y iyong buhay. Ang daan ng kasamaan ay huwag mong lalakaran, at ang buhay ng masama, huwag mo ngang tutularan. Kasamaa'y iwasan mo, ni huwag lalapitan, bagkus nga ay talikuran mo, tuntunin ang tamang daan. Sila'y hindi makatulog kapag di nakagawa ng masama, at hindi matahimik kapag nasa'y di nagawa. Ang kanilang kinakain ay buhat sa kasamaan, ang kanilang iniinom ay bunga ng karahasan. Ngunit ang daan ng matuwid, parang bukang-liwayway, tumitindi ang liwanag habang ito'y nagtatagal. Ang daan ng masama'y pusikit na kadiliman, ni hindi niya makita kung saan siya nabubuwal. Aking anak, salita ko ay pakinggan mong mabuti, pakinig mo ay ikiling sa aking sinasabi. Huwag itong babayaang mawala sa paningin, sa puso mo ay iukit nang mabuti at malalim. Pagkat itong kaalaman ay daan ng buhay, nagbibigay kalusuga't kagalingan ng katawan. Ang puso mo'y ingatang mabuti at alagaan, pagkat iyan ang siyang bukal ng buhay mong tinataglay. Ilayo mo sa iyong bibig ang salitang mahahalay, ilayo ang mga labi sa kasinungalingan. Palaging sa hinaharap ang pukol ng iyong tanaw, ituon ang iyong pansin sa iyong patutunguhan. Siyasatin mong mabuti ang landas na lalakaran, sa gayon ang lakad mo ay laging matiwasay. Huwag kang liliko sa kaliwa o sa kanan; humakbang nang papalayo sa lahat ng kasamaan. Aking anak, karununga'y pakinggan mong mabuti, pakinig mo ay ikiling sa aking sinasabi. Sa gayo'y magagawa mo ang mabuting pagpapasya, at ang bawat sabihin mo'y kaalaman ang ibabadya. Pagkat labi ng haliparot ay sintamis nitong pulot, at ang kanyang mga halik, kasiyahan nga ang dulot. Ngunit pagkatapos mong magpasasa sa alindog, hapdi, kirot ang kapalit ng kaunti niyang lugod. Ang kanyang mga hakbang ay tungo sa kamatayan, daigdig ng mga patay, ang landas na hahantungan. Pagkat di niya siniyasat daang patungo sa buhay, ang daan niya'y liku-liko, ni hindi niya ito nalalaman. Kaya nga, aking anak, sa akin ay makinig, huwag lilimutin, salita ng aking bibig. Lumayo ka sa babaing masama ang pamumuhay, ni huwag kang lalapit sa pinto ng kanyang bahay. Baka dangal mo'y sirain at angkinin pa ng iba, sa kamay ng masasama ay mamatay kang maaga. Ang yaman mo'y uubusin ng taong di mo kilala, mga pinagpaguran mo, makikinabang ay iba. Kung magkagayon, wakas mo ay anong saklap, walang matitira sa iyo kundi buto't balat. Dito mo nga maiisip: “Dangan kasi'y di ko pansin ang kanilang pagtutuwid, puso ko ay nagmatigas, sinunod ang aking hilig. Ang tinig ng aking guro ay hindi ko dininig, sa kanilang katuruan, inilayo ang pakinig. At ngayon ay narito ang abâ kong kalagayan, isang kahihiyan sa ating lipunan.” Ang dapat ay maging tapat sa asawang minamahal, at ang tangi mong pag-ibig, iukol sa kanya lamang. Kung ika'y magkaanak sa babaing di asawa, walang buting idudulot, manapa nga ay balisa. Anak mo'y dapat lumaki nang ikaw ay matulungan, upang hindi do'n sa iba iasa ang iyong buhay. Kaya nga ba't mahalin mo ang kabiyak ng iyong buhay, ang ligaya ay lasapin sa mabango niyang kandungan. Mabait siya at mahinhin, babaing kaakit-akit, ligaya mo'y nasa kanya sa pitak ng kanyang dibdib. Sa ibang babae ay huwag ka sanang paaakit, ni huwag mong papansinin makamandag niyang halik. Ang paningin ni Yahweh sa tao'y di iniaalis, laging nakasubaybay, bawat oras, bawat saglit. Kasamaan ng isang tao ay bitag na nakaumang, siya ang magdurusa sa sariling kasalanan. Pagkat walang pagpipigil, siya ay mamamatay at dahil sa kamangmangan, hantungan niya'y sa libingan. Aking anak, sa utang ba ng iba ikaw ay nananagot? Ikaw ba ay nangako, sa utang niya ay nasangkot? Kung gayon ay nasasakop ka ng kanyang pagpapasya, ngunit ito ang gawin mo nang makaiwas sa problema: Ikaw ay magmadali sa kanya ay makiusap, sabihin mong pawalan ka sa napasukan mong bitag. Huwag kang titigil, huwag kang maglulubay, ni huwag kang iidlip, hanggang walang kalayaan. Iligtas ang sarili mo parang usang tumatakas, at tulad niyong ibong sa kulunga'y umaalpas. Tingnan mo ang mga langgam, ikaw na taong ubod ng tamad, pamumuhay niya'y masdan mo at nang ikaw ay mamulat. Kahit sila'y walang pinunong sa kanila'y nag-uutos, walang tagapamahala o tagamasid na sinusunod, ngunit nag-iimbak ng pagkain sa tag-araw, kailanga'y iniipon kung panahon ng anihan. Hanggang kailan, taong tamad mananatili sa higaan, kailan ka babalikwas sa iyong pagkakahimlay? Kaunting tulog, bahagyang idlip, sandaling pahinga at paghalukipkip, samantalang namamahinga ka ang kahirapa'y darating na parang armadong magnanakaw upang kunin ang lahat ng iyong kailangan. Taong walang kuwenta at taong masama, kasinungalingan, kanyang dala-dala. Ang mata ay ikikindat o kaya'y ipipikit, ikukumpas pa ang kamay upang ikaw ay maakit. Ngunit sa sarili ay may masamang iniisip, ang lagi niyang nais ay manggulo sa paligid. Dahil dito, kapahamakan niya'y biglang darating, sa sugat na tatamuhi'y hindi na nga siya gagaling. Ang kinamumuhian ni Yahweh ay pitong bagay, mga bagay na kanyang kinasusuklaman: kapalaluan, kasinungalingan, at mga pumapatay sa walang kasalanan, pusong sa kapwa'y walang mabuting isipan, mga paang ubod tulin sa landas ng kasamaan, saksing sinungaling, mapaglubid ng buhangin, pag-awayin ang kapwa, laging gusto niyang gawin. Aking anak, utos nga ng ama mo ay sundin, huwag mong tatalikuran, turo ng inang giliw. Sa puso mo ay iukit, at itanim mo sa isip. Pagkat ang aral na ito sa iyo ay patnubay, sa pagtulog mo ay bantay, sa paggawa ay alalay. Pagkat ang utos ay ilaw, ang turo ay tanglaw, at daan ng buhay itong mga saway. Ilalayo ka nito sa babaing masama, sa mapang-akit niyang salita ngunit puno ng daya. Huwag mong nanasain ang ganda niyang taglay, ni huwag paaakit sa tingin niyang mapungay. Babaing masama'y maaangkin sa halaga ng tinapay, ngunit bunga'y kasamaan sa buo mong pamumuhay. Kung ang tao ba'y magkandong ng apoy, kasuotan kaya niya'y di masusunog niyon? Kung ang tao ay tumapak sa uling na nagbabaga, hindi kaya malalapnos itong kanyang mga paa? Ganoon din ang taong sisiping sa asawa ng kapwa, tiyak siyang magdurusa pagkat ito ay masama. Ang sinumang magnakaw ay tiyak na nagkasala, kahit iyon ay pamawi sa gutom na taglay niya. Ang bayad ay makapito kung siya'y mahuli, ang lahat niyang pag-aari ay kulang pang panghalili. Ngunit ang nangangalunya ay isang taong mangmang, sinisira ang sarili, buhay niya at pangalan. Ang tangi niyang mapapala ay pahirap sa sarili, ang kanyang kahihiyan, hindi na niya mababawi. Sapagkat ang panibugho sa tao ay nag-uudyok, ang puri nga ay ibangon, kahit buhay ay malagot. Wala kang itutumbas para kamtin ang patawad, kahit gaano pa kalaki ang sa kanya ay ibayad. Aking anak, salita ko sana ay ingatan, itanim sa isip at huwag kalimutan. Ang utos ko ay sundin mo upang mabuhay nang matagal, turo ko'y pahalagahan tulad ng iyong mga mata. Ito'y itali mo sa iyong mga kamay, at sikapin mong matanim sa iyong isipan. Ang karunungan ay ituring mo na babaing kapatid, at ang pang-unawa nama'y kaibigang matalik. Pagkat ito ang sa iyo'y maglalayo sa babaing mapangalunya, nang di ka mabighani ng matamis niyang pananalita. Ako ay dumungaw sa bintanang bukás, at ako'y sumilip sa pagitan ng rehas, ang aking nakita'y maraming kabataan, ngunit may napansin akong isang mangmang. Naglalakad siya sa may panulukan, ang tinutungo'y sa babaing tahanan. Tuwing sasapit ang gabi, ito'y kanyang ginagawa, sa lalim ng hatinggabi, kapag tulog na ang madla. Ang babae ang sa kanya'y sumalubong sa pintuan, mapang-akit, mapanlinlang sa masagwang kasuotan. Maingay ang kanyang boses, kilos niya ay maharot, di matigil sa tahanan, di mapigil sa paglibot. Ngayo'y sa lansangan, maya-maya'y sa liwasan, walang anu-ano'y sa panulukan, doon siya nag-aabang. Lalaki'y kanyang susunggaban at pupupugin ng halik, at ang kanyang sasabihing punung-puno ng pang-akit: “Nasa amin ngayon ang marami kong mga handog, katatapos ko lang tupdin ang panata ko sa Diyos. Ako ay narito upang ika'y salubungin, mabuti't nakita kita pagkatapos kong hanapin. Ang aking higaa'y sinapnan ko nang makapal, linong buhat sa Egipto, iba't iba pa ang kulay. Ito'y aking winisikan ng pabangong mira, bukod pa sa aloe at mabangong kanela. Halika at bigyang daan, damdamin ng isa't isa, ang magdamag ay ubusin sa paglasap ng ligaya. Ako ay nag-iisa, asawa ko'y nasa malayo, pagkat siya ay umalis sa ibang lugar nagtungo. Marami ang baon niyang salapi, pagbilog pa ng buwan ang kanyang uwi.” Sa salitang mapang-akit ang lalaki ay nahimok, sa matamis na salita, damdamin niya ay nahulog. Maamo siyang sumunod sa babae at pumasok, parang bakang kakatayin, sa matador ay sumunod, mailap na usa, sa patibong ay nahulog, hanggang sa puso nito ang palaso ay maglagos. Isang ibong napasok sa lambat ang kanyang nakakatulad, hindi niya namalayang buhay pala ang katumbas. Kaya nga ba, aking anak, sa akin ay makinig, at dinggin mo ang salitang mula sa aking bibig. Huwag mo ngang hahayaang ang puso mo ay maakit, ng babaing ang tuntunin ay landasing nakalihis, sapagkat marami na ang kanyang naipahamak, at hindi na mabibilang, nabuwal sa kanyang yapak. Sa bahay niya'y nagmumula ang landas ng kasawian, tiyak na patungo sa malagim na kamatayan. Hindi mo ba naririnig ang tawag ng karunungan, at ang tinig ng unawa'y hindi pa ba napakinggan? Nasa dako siyang mataas, sa tagpuan ng mga landas; nasa mga pintuan siya, sa may harap nitong bayan, nakatindig sa pagpasok at ito ang kanyang sigaw: “Kayo'y tinatawagan ko, tao ng sandaigdigan, para nga sa lahat itong aking panawagan. Kayong walang nalalaman ay mag-aral na maingat, at kayong mga mangmang, pang-unawa ay ibukas. Salita ko ay pakinggan pagkat ito'y mahalaga, bumubukal sa labi ko ay salitang magaganda. Pawang katotohanan itong aking bibigkasin, at ako ay nasusuklam sa lahat ng sinungaling. Itong sasabihin ko ay pawang matuwid, lahat ay totoo, wala akong pinilipit. Ito ay maliwanag sa kanya na may unawa, at sa marurunong ito ay pawang tama. Payo ko'y pahalagahan nang higit pa sa pilak, at ang dunong, sa ginto ay huwag sanang itutumbas. “Pagkat akong karunungan ay mahigit pa sa hiyas, anumang kayamanan ay hindi maitutumbas. Ako ay nagbibigay ng talas ng kaisipan, itinuturo ko ang landas ng hinaho't karunungan. Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay naglalayo sa kasamaan. Ako ay namumuhi sa lahat ng kalikuan, sa salitang baluktot, at sa diwang kayabangan. Mayroon akong lakas at taglay na kakayahan, ganoon din naman, unawa't kapangyarihan. Dahil sa akin, ang hari'y nakapamamahala, nagagawa ng mga pinuno ang utos na siyang tama. Talino ng punong-bayan ay sa akin nagmumula, at ako rin ang dahilan, dangal nila't pagdakila. Mahal ko silang lahat na sa aki'y nagmamahal, kapag hinanap ako nang masikap, tiyak na masusumpungan. Ang yaman at karangalan ay aking tinataglay, kayamanang walang maliw, kasaganaan sa buhay. Ang bunga ko ay higit pa sa gintong dinalisay, mataas pa kaysa pilak ang halagang tinataglay. Ang landas kong dinaraanan, ay daan ng katuwiran, ang aking tinatahak, ay landas ng katarungan. Ang sa aki'y nagmamahal binibigyan ko ng yaman, aking pinupuno ang kanilang mga sisidlan. “Sa lahat ng nilikha ni Yahweh, ako ang siyang una, noong una pang panahon ako ay nalikha na. Matagal nang panahon nang anyuan niya ako, bago pa nalikha at naanyo itong mundo. Wala pa ang mga dagat nang ako'y lumitaw, wala pa ang mga bukal ng tubig na malilinaw. Wala pa ang mga burol, ganoon din ang mga bundok, nang ako ay isilang dito sa sansinukob. Ako muna ang nilikha bago ang lupa at bukid, nauna pa sa alabok, at sa lupang daigdig. Nang likhain ang mga langit, ako ay naroroon na, maging nang ang hangganan ng langit at lupa'y italaga. Naroon na rin ako nang ang ulap ay ilagay, at nang kanyang palitawin ang bukal sa kalaliman. Nang ilagay niya ang hangganan nitong dagat, nang ang patibayan ng mundo ay ilagay at itatag, ako'y lagi niyang kasama at katulong sa gawain, ako ay ligaya niya at sa akin siya'y aliw. Ako ay nagdiwang, nang daigdig ay matapos, dahil sa sangkatauhan, ligaya ko ay nalubos. “At ngayon, aking anak, ako nga ay pakinggan, sundin ang payo ko't liligaya ang iyong buhay. Upang maging matalino, ang turo ko ay dinggin mo, huwag mong pababayaan ni lalayuan ito. Mapalad ang taong sa akin ay nakikinig, sa akin ay nag-aabang at palaging nakatitig. Pagkat ang makasumpong sa akin ay nakasumpong ng buhay, at ang kalooban ni Yahweh ay kanyang nakakamtan. Ngunit ang di makasumpong sa akin, sarili ang sinasaktan, ang napopoot sa akin, iniibig ay kamatayan.” Gumawa na ng tahanan itong karunungan, na itinayo niya sa pitong patibayan. Nagpatay siya ng hayop, nagtimpla ng inumin, ang mesa ay inihanda, punung-puno ng pagkain. Katulong ay isinugo sa gitna nitong bayan, upang lahat ay abutin ng ganitong panawagan: “Ang kulang sa kaalaman, dito ngayon ay lumapit.” Sa mga mangmang ay ganito ang sinambit: “Halikayo't inyong kainin ang pagkain ko, at tunggain ang inuming inilaan ko sa inyo. Lisanin ang kamangmangan upang kayo ay mabuhay, at ang landas ng unawa ang tahakin at daanan.” Ang pumupuna sa mapangutya ay nag-aani ng pagdusta, ang nagtutuwid sa masama'y nagkakamit ng alipusta. Punahin mo ang mapangutya at magagalit pa sa iyo, ngunit payuhan mo ang matalino at iibigin ka nito. Matalino'y turuan mo't lalo siyang tatalino, ang matuwid ay aralan, lalago ang dunong nito. Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay pasimula ng karunungan, ang pagkilala sa Banal na Diyos ay may dulot na kaalaman. Sa pamamagitan ko, hahaba ang iyong mga araw, dahil sa akin, lalawig ang iyong buhay. Kung mayroon kang karunungan, mayroon kang pakinabang, ngunit ika'y magdurusa kapag siya'y tinanggihan. Ang nakakatulad nitong taong mangmang, babaing magaslaw at walang kahihiyan. Lagi siyang naroon sa pinto ng kanyang bahay, o sa lantad na bahagi ng lansangan nitong bayan. Bawat taong nagdaraan na kanyang masulyapan, ay pilit na tatawagin at kanyang aanyayahan, “Lapit dito, kayong lahat na kulang sa kaalaman!” Kanya namang sinasabi sa mga mangmang, “Tubig na ninakaw ay ubod ng tamis, tinapay na nakaw, masarap na labis.” Hindi alam ng biktimang wakas niyo'y kamatayan, at lahat ng pumasok doo'y naroon na sa libingan. Ang matalinong anak ay ligaya ng magulang, ngunit tinik sa dibdib ang anak na mangmang. Ang yamang buhat sa masama ay di papakinabangan, ngunit ang katuwiran ay maglalayo sa kamatayan. Ang matuwid ay binibigyan ni Yahweh ng kasiyahan, ngunit ang masama'y kanyang ginugutom naman. Ang kamay na tamad ay tiyak na magdarahop, ngunit magbubunton ng yaman ang kamay na masinop. Ang nag-iimbak kung tag-araw ay nagpapakilala ng katalinuhan, ngunit ang natutulog kung anihan ay nag-iipon ng kahihiyan. Ang matuwid ay mag-aani ng pagpapala't kabutihan, ngunit ang bibig ng masama ay nagtatakip ng karahasan. Ang alaala ng matuwid, mananatili kailanman, ngunit pangalan ng masama ay tiyak na mapaparam. Magandang payo'y tinatanggap ng pusong may unawa, ngunit kapahamakan ang wakas ng mangmang na masalita. Ang namumuhay nang tapat ay pinaghaharian ng kapayapaan, ngunit ang may likong landas ay malalantad balang araw. Ang malilikot na mata ay lagi sa kaguluhan, at ang bibig na maluwang, hahantong sa kapahamakan. Ang bibig ng matuwid ay bukal ng buhay, ngunit labi ng masama ay nagtatakip ng karahasan. Sari-saring kaguluhan ang bunga ng kapootan, ngunit ang pag-ibig ay pumapawi sa lahat ng kasalanan. Sa labi ng may unawa matatagpuan ang karunungan, ngunit sa likod ng isang mangmang, pamalo ang kailangan. Ang taong matalino'y nag-iimpok ng karunungan, ngunit ang salita ng mangmang ay nagdadala ng kapahamakan. Ang kayamanan ng mayama'y matibay niyang tanggulan, ngunit ang kahirapan ng yagit ay kanyang kapahamakan. Ang kinikita ng matuwid ay nagbibigay-buhay, ngunit ang sa masama, winawaldas sa kasamaan. Ang nakikinig sa payo ay nasa daan ng buhay, ngunit ang ayaw sumunod ay tungo sa pagkaligaw. Ang nagtatanim ng poot ay puno ng kasinungalingan, ang naninira sa kanyang kapwa ay isang taong mangmang. Ang taong masalita ay malapit sa pagkakasala, ngunit ang nagpipigil ng dila ay dunong ang pakilala. Ang dila ng matuwid ay tulad ng pilak na mahalaga, ngunit ang puso ng mangmang ay basura ang kagaya. Ang labi ng matuwid sa marami ay pakinabang, ngunit ang mangmang ay namamatay nang walang karunungan. Ang pagpapala ni Yahweh ay kayamanan, na walang kasamang kabalisahan. Ang paggawa ng kasalanan ay kasiyahan ng masama, ngunit ang mabuting asal, kasiyahan ng may unawa. Ang kinatatakutan ng masama ay magaganap sa kanya, ngunit ang hangarin ng matuwid ay matatamo niya. Tinatangay ng hangin ang taong masama, ngunit ang matuwid ay gusaling di magiba. Kung paanong ang usok ay nakakaluha, ang suka ay nakakangilo, gayon ang tamad na alipin, sa kanilang mga amo. Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagpapahaba ng buhay, ngunit ang mga araw ng masama ay di magtatagal. Ang pag-asa ng matuwid ay may magandang kahinatnan, ngunit ang pag-asa ng masama, ang dulot ay kabiguan. Si Yahweh ay kanlungan ng mga taong matuwid, ngunit kaaway sila ng taong masama ang hilig. Ang matuwid ay mananatili sa kanyang dako, ngunit ang masama, kung saan-saan matutungo. Ang salita ng matuwid ay nagpapakilala ng karunungan, ngunit ang dilang sinungaling ay puputulin naman. Ang salita ng matuwid ay palaging angkop, ngunit ang salita ng masama ay puro paninira. Kasuklam-suklam kay Yahweh ang timbangang may daya, ngunit kasiyahan naman ang timbangang tama. Kahihiyan ang laging dulot ng kapalaluan, ngunit pagpapakumbaba'y nagbubunga ng karunungan. Ang tuntunin ng matuwid ay katapatan, ngunit ang masama'y wawasakin ng kanyang kataksilan. Walang halaga ang yaman sa araw ng kamatayan, ngunit ang katuwiran ay naglalayo sa kapahamakan. Mas panatag ang landas ng tapat ang pamumuhay, ngunit nabubuwal ang masama sa sariling kabuktutan. Ang katuwiran ng mga matuwid ang nagliligtas sa kanya, ngunit ang masama ay bilanggo ng kanyang masamang nasa. Ang pag-asa ng masama ay kasama niyang pumapanaw, ang umasa sa kayamanan ay mawawalang kabuluhan. Ang matuwid ay inilalayo sa bagabag, ngunit ang masama ay doon bumabagsak. Ang labi ng walang Diyos, sa iba ay mapanira, ngunit ang dunong ng matuwid ay nagliligtas ng kapwa. Kapag ang matuwid ay pinagpapala, ang bayan ay nagagalak, ngunit higit ang katuwaan kapag ang masama'y napapahamak. Dahil sa salita ng matuwid ang bayan ay tumatatag, ngunit sa kasinungalingan ng masama ang lunsod ay nawawasak. Ang kapos sa kaalaman ay humahamak sa kapwa, ngunit laging tahimik ang taong may unawa. Walang maitatago sa bibig ng madaldal, ngunit ang tunay na kaibigan, iyong mapagkakatiwalaan. Sa kakulangan ng tuntunin, ang bansa ay bumabagsak, ngunit sa payo ng nakararami, tagumpay ay tiyak. Ang nananagot para sa iba, sa gusot ay nasasadlak, ngunit ang ayaw gumarantiya ay malayo sa bagabag. Ang babaing mahinhin ay nag-aani ng karangalan, ngunit ang walang dangal, tambakan ng kahihiyan. Lagi sa kahirapan ang taong tamad, ngunit masagana ang buhay ng isang masipag. Ang taong mabait ay nag-iimpok ng kabutihan, ngunit winawasak ng marahas ang sarili niyang buhay. Anuman ang anihin ng masama ay walang kabuluhan, ngunit ang gawang mabuti ay may pagpapalang taglay. Ang taong nasa matuwid ay makasusumpong ng buhay, ngunit ang landas ng masama ay patungo sa kamatayan. Ang kaisipang masama kay Yahweh ay kasuklam-suklam, ngunit ang lakad ng matuwid, kay Yahweh ay kasiyahan. Ang taong masama'y di makakaligtas sa kaparusahan, ngunit hindi maaano ang nabubuhay sa katuwiran. Ang magandang babae ngunit mangmang naman, ay tila gintong singsing sa nguso ng baboy. Anumang nais ng matuwid ay nagbubunga ng kabutihan, ngunit ang mahihintay lang ng masama ay kaparusahan. Ang taong mapagbigay ay lalong yumayaman, ngunit naghihirap ang tikom na mga kamay. Ang taong matulungin, sasagana ang pamumuhay, at ang marunong tumulong ay tiyak na tutulungan. Sinusumpa ng lahat ang nagkakait ng butil, ngunit pinupuri ang nagbibigay ng pagkain. Kung mabuti ang hangarin, ikaw ay igagalang, kapag humanap ng gulo, iyon ay masusumpungan. Malalantang tila dahon ang nagtitiwala sa kanyang yaman, ngunit ang matuwid ay giginhawa, tulad ng sariwang halaman. Ang nagpupunla ng gulo sa sariling sambahayan, mag-aani ng problema, gugulo ang pamumuhay. Ang taong mangmang at walang nalalaman, ay alipin ng matalino habang siya'y nabubuhay. Buhay ang dulot ng matuwid na pamumuhay, at kamatayan naman ang hatid ng karahasan. Ang matuwid ay ginagantimpalaan dito sa lupa, ngunit paparusahan naman ang mga makasalanan at masasama! Ang taong may unawa ay tumatanggap ng payo, ngunit ayaw mapaalalahanan ang matigas ang ulo. Si Yahweh ay nalulugod sa taong matuwid, ngunit sa masasama siya ay nagagalit. Ang makasalanan ay hindi mapapanatag, ngunit ang matuwid ay hindi matitinag. Ang mabuting babae ay karangalan ng asawa, ngunit kanser sa buto ang masamang asawa. Ang taong matuwid ay mabuting makiharap, ngunit ang masama ay bihira lang magtapat. Pumapatay nang lihim ang mga pangungusap ng masama, ngunit ang salita ng matuwid ay nagliligtas sa kapwa. Ang masama ay lubusang mapaparam at di na magbabalik, ngunit ang sambahayan ng matuwid, mananatiling nakatindig. Ang taong matalino'y magkakamit ng karangalan, ngunit ang aanihin ng masama ay pagkutya lang. Ang maralitang nagsisikap ay mabuting di hamak, kaysa nagkukunwang mayaman ngunit sa gutom nakasadlak. Kahit sa kanyang mga hayop ang matuwid ay mabait, ngunit ang masama kahit kanino ay sadyang mabagsik. Ang taong masipag ay sagana sa lahat, ngunit ang isang hangal, sa yaman ay salat. Ang nais ng masama ay puro kasamaan, ngunit ang tuntungan ng matuwid ay hindi magmamaliw. Ang masama ay nahuhuli sa salita ng kanyang bibig, ngunit ang matuwid ay malayo sa ligalig. Ang kakamtin ng tao ay batay sa gawa o salita, bawat isa ay tatanggap ng karampatang gantimpala. Ang akala ng mangmang ay siya lamang ang tama, ngunit handang tumanggap ng payo ang taong may unawa. Ang pagkainis ng mangmang kaagad nahahalata, ngunit ang mga matatalino, di pansin ang pagkutya. Sa pagsasabi ng tapat, lumilitaw ang katarungan, ngunit ang pagsisinungaling ay lumilikha ng kapahamakan. Ang matalas na pananalita ay sumusugat ng damdamin, ngunit sa magandang pananalita, sakit ng loob ay gumagaling. Ang tapat na labi ay mananatili kailanman, ngunit ang dilang sinungaling ay hindi magtatagal. Ang nagbabalak ng masama ay mag-aani ng kapahamakan, ngunit ang nag-iisip ng mabuti'y magtatamo ng kagalakan. Ang kasamaang-palad ay malayo sa matuwid, ngunit ang buhay ng masama ay puno ng ligalig. Namumuhi si Yahweh sa taong sinungaling, ngunit ang tapat ay ligaya niya at aliw. Hindi agad sinasabi ang alam ng matalino, ngunit kahangalan ay inihahayag ng mangmang na tao. Balang araw ang masikap ang mamamahala, ngunit ang tamad ay mananatiling alila. Nagpapahina sa loob ng isang tao ang kabalisahan, ngunit ang magandang balita'y may dulot na kasiglahan. Ang payo ng kaibigang matuwid ay isang gabay, ngunit ang daan ng masama ay tungo sa pagkaligaw. Hindi makakamit ng tamad ang kanyang hinahangad, ngunit ang masikap ay laging may magandang hinaharap. Ang matuwid na landas ay patungo sa buhay, ngunit ang maling daan ay hahantong sa kamatayan. Ang anak na may unawa'y nakikinig sa kanyang ama, ngunit walang halaga sa palalo ang paalala sa kanya. Natatamo ng mabuti ang bunga ng kanyang kabaitan, ngunit ang ninanasa ng masama ay puro karahasan. Ang maingat magsalita ay nag-iingat ng kanyang buhay, ngunit ang taong madaldal ay nasasadlak sa kapahamakan. Ang tamad ay nangangarap ngunit hindi natutupad, ang hangarin ng masikap ay laging nagaganap. Ang taong matuwid ay namumuhi sa kasinungalingan, ngunit ang salita ng masama ay nakakahiyang pakinggan. Ang mabuti'y iniingatan ng kanyang katuwiran, ngunit ang masama'y ipinapahamak ng likong pamumuhay. May taong nagkukunwang mayaman subalit wala naman, ngunit ang iba'y nag-aayos mahirap bagaman sila ay mayaman. Ang yaman ng isang tao ay pantubos sa kanyang buhay, ngunit sa isang mahirap ito ay hindi nakababahala. Ang matuwid ay tulad ng maningning na ilaw, ngunit ang masama ay lamparang namamatay. Ang kapalaluan ay nagbubunga ng kaguluhan, ngunit ang pakikinig sa payo'y nagbabadya ng karunungan. Ang kayamanang tinamo sa daya ay madaling nawawala, ngunit ang kayamanang pinaghirapan ay pinagpapala. Ang matagal na paghihintay ay nagpapahina ng kalooban, ngunit ang pangarap na natupad ay may dulot na kasiyahan. Ang nagwawalang-bahala sa payo ay hahantong sa sariling kapahamakan, ngunit ang nagpapahalaga sa utos ay gagantimpalaan. Ang mga turo ng matalino ay bukal ng buhay, ito ay maglalayo sa bitag ng kamatayan. Ang katalinuhan ay umaani ng paggalang, ngunit ang kataksilan ay naghahatid sa kapahamakan. Ang katalinuhan ng isang tao'y nakikita sa kanyang gawa, sa kilos ay nakikilala ang taong walang unawa. Ang masamang tagapagbalita ay lumilikha ng kaguluhan, ngunit ang mabuting tagapamagitan ay lumulutas ng alitan. Kahihiyan ang kasasadlakan ng hindi nakikinig sa saway, ngunit ang tumatanggap ng payo ay mag-aani ng karangalan. Ang pangarap na natupad ay may dulot na ligaya, ngunit ayaw iwan ng masama ang kasamaan niya. Ang nakikisama sa may unawa ay magiging matalino, ngunit ang kasama ng mangmang ay masusuong sa gulo. Ang hinaharap ng masama ay kahirapan sa buhay, ngunit sagana ang pagpapalang sa matuwid ay naghihintay. Ang matuwid ay nag-iiwan ng pamana hanggang sa kaapu-apuhan, at sa matuwid nauuwi ang naipon ng isang makasalanan. Ang bukid ng mahihirap, may pangakong kasaganaan, ngunit ito'y nasasayang dahil sa kawalan ng katarungan. Mapagmahal na magulang, anak ay dinidisiplina, anak na di napapalo, hindi mahal ng magulang. Ang matuwid ay sagana sa lahat ng kailangan, ngunit ang masama ay palagi namang nagkukulang. Ang matalinong babae ay nagtatatag ng kanyang bahay, ngunit winawasak ng isang mangmang ang sariling tahanan. Ang gumagalang at sumusunod kay Yahweh ay lumalakad sa katuwiran, ngunit ang nagwawalang-bahala sa kanya ay nasa likong daan. Ang bawat salita ng mangmang ay may katumbas na parusa, kaya ang matalino'y nag-iingat sa mga salita niya. Kung saan walang baka, ang kamalig ay walang laman, datapwat sa maraming baka, sagana ang anihan. Ang tapat na saksi'y hindi magsisinungaling, ngunit pawang kabulaanan ang sa saksing sinungaling. Ang mangmang ay nag-aaral pero hindi matuto, ngunit madaling maturuan ang taong may talino. Iwasan mong makisama sa mga taong mangmang, pagkat sa kanila ay wala kang mapupulot na kaalaman. Nalalaman ng matalino ang kanyang ginagawa, ngunit ang mangmang ay inaakay ng mali niyang unawa. Kinukutya ng mga hangal ang handog na pambayad sa kasalanan, ngunit nalalasap ng matuwid ang mabuting kalooban. Walang makikihati sa kabiguan ng tao, gayon din naman sa ligayang nadarama nito. Ang bahay ng masama ay sadyang mawawasak, ngunit ang tolda ng matuwid ay hindi babagsak. May daang matuwid sa tingin ng tao, ngunit kamatayan ang dulo nito. Sa gitna ng ligaya maaaring dumating ang kalungkutan, ngunit ang kaligayaha'y maaaring magwakas sa panambitan. Pagbabayaran ng tao ang liko niyang pamumuhay, ngunit ang gawa ng matuwid ay gagantimpalaan. Pinaniniwalaan ng mangmang ang lahat niyang mapakinggan, ngunit sinisiyasat ng may unawa ang kanyang pupuntahan. Ang taong may unawa ay lumalayo sa kasamaan, ngunit ang mangmang ay napapahamak dahil sa kapabayaan. Ang taong mainit ang ulo ay nakagagawa ng di marapat, ngunit ang mahinahon ay lagi nang nag-iingat. Ang taong hangal ay nag-aani ng kamangmangan, ngunit ang matalino'y nagkakamit ng karunungan. Ang makasalanan ay gumagalang sa mabuting tao, at makikiusap na siya'y tulungan nito. Ang taong mahirap kadalasa'y tinatalikuran, ngunit ang mayaman ay maraming kaibigan. Ang humahamak sa kapwa ay gumagawa ng masama, ngunit ang matulungin, ligaya ang tinatamasa. Ang gumagawa ng masama ay mapapahamak, ngunit ang nag-iisip ng mabuti'y pagkakatiwalaan at igagalang. Ang bawat pagsisikap ay may pakinabang, ngunit ang puro salita, ang bunga ay kahirapan. Ang putong ng matalino ay ang kanyang karunungan, ang kuwintas ng mangmang ay ang kanyang kahangalan. Ang tapat na saksi ay nagliligtas ng buhay, ngunit ang salita ng sinungaling ay pawang kataksilan. Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh, dulot ay kapayapaan, may hatid na katatagan sa buong sambahayan. Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay bukal ng buhay, at ang taong mayroon nito'y malayo sa bitag ng kamatayan. Ang karangalan ng hari ay nasa dami ng nasasakupan, ngunit walang kabuluhan ang pinunong walang tauhan. Ang hinahon ay nagpapakilala ng kaunawaan, ngunit ang madaling pagkagalit ay tanda ng kamangmangan. Ang isip na tiwasay ay nagpapahaba ng buhay, ngunit ang kapusukan ay nagbibigay ng kapahamakan. Ang umaapi sa mahirap ay humahamak sa Maykapal, ngunit ang matulungi'y nagdudulot ng karangalan. Ang masama ay ibinabagsak ng sariling kasamaan, ngunit ang kanlungan ng matuwid ay ang kanyang kabutihan. Sa isip ng may unawa ang nananahan ay karunungan, ngunit ang mangmang ay walang kaalaman. Ang katuwiran ay nagpapadakila sa isang bayan, ngunit ang kasalanan naman ay nagdudulot ng kahihiyan. Sa matalinong alipin, ang amo ay nalulugod, ngunit sa utusang walang isip siya ay napopoot. Ang malumanay na sagot, nakapapawi ng galit, ngunit sa tugong marahas, poot ay hindi mawawaglit. Ang dila ng may unawa ay nagbubunga ng kaalaman, ngunit ang bibig ng mangmang ay bukal ng kahangalan. Ang paningin ni Yahweh ay nakatuon sa lahat ng lugar, ang masama at mabuti ay pawang minamasdan. Ang magiliw na salita ay nagpapasigla sa buhay, ngunit ang matalas na pangungusap ay masakit sa kalooban. Di pansin ng mangmang ang turo ng kanyang ama, ngunit dinirinig ng may isip ang paalala sa kanya. Ang tahanan ng matuwid ay puno ng kayamanan, ngunit ang masama'y nagkukulang sa lahat ng kailangan. Ang labi ng may unawa ay nagkakalat ng karunungan, ngunit hindi ganoon ang hangad ng isang mangmang. Kasuklam-suklam kay Yahweh ang handog ng masama, ngunit sa panalangin ng matuwid siya ay natutuwa. Sa gawaing masama, si Yahweh ay namumuhi, ngunit kanyang minamahal ang sa katuwiran lumalagi. Ang gumawa ng masama ay tatanggap ng parusa, at tiyak na mamamatay ang ayaw ng paalala. Kung paanong ang daigdig ng mga patay ay hayag kay Yahweh, ang laman ng puso sa kanya'y di maikukubli. Ayaw mapagsasabihan ang mga palalo, at sa matatalino'y di hihingi ng payo. Ang taong masayahin ay laging nakangiti, ngunit ang may lumbay ay wari bang nakangiwi. Ang taong may unawa ay naghahangad pa ng karunungan, ngunit ang mangmang ay nasisiyahan na sa kanyang kahangalan. Lahat ng araw ng mahirap ay puno ng pakikipagbaka, ngunit ang masayahin, saganang piging ang kagaya. Ang mahirap na gumagalang at sumusunod kay Yahweh, ay mas mainam kaysa mayamang panay hirap naman ang kalooban. Mas masarap ang isang plato ng gulay na inihaing may pag-ibig kaysa isang matabang baka na inihaing may galit. Ang mainit na ulo ay humahantong sa alitan, ngunit pumapayapa sa kaguluhan ang mahinahong isipan. Ang landas ng batugan ay punung-puno ng tinik, ngunit patag na lansangan ang daan ng matuwid. Ang anak na may unawa ay kaligayahan ng isang ama, ngunit ang isang mangmang ay kahihiyan ng kanyang ina. Ang mga walang isip ay natutuwa sa mga bagay na kahangalan, ngunit lumalakad nang matuwid ang taong may kaalaman. Ang isang balak na mabilis ay di papakinabangan, ngunit ang planong pinag-aralan ay magtatagumpay. Ang matalinong pananalita ay nagdudulot ng kasiyahan, at ang salitang angkop sa pagkakataon, may dulot na pakinabang. Sa mga marunong, ang daan ng buhay ay pataas, upang maiwasan ang daigdig ng mga patay. Wawasakin ni Yahweh ang bahay ng hambog, ngunit ang tahanan ng isang biyuda ay iingatan ng Diyos. Kasuklam-suklam kay Yahweh ang iniisip ng masama, ngunit kasiyahan niya ang pangungusap ng may malinis na diwa. Ang gahaman sa salapi ay nauuwi sa kaguluhan, ngunit ang tumatanggi sa suhol ay mabubuhay nang matagal. Tinitimbang ng matuwid kung ano ang sasabihin, ngunit di na iniisip ng masama ang kanyang sasalitain. Pinapakinggan ni Yahweh ang daing ng matuwid, ngunit ang panawagan ng masama ay hindi dinirinig. Ang masayang ngiti sa puso ay kasiyahan, at ang mabuting balita ay may dulot na kalusugan. Ang marunong makinig sa paalala ay mayroong unawa at mabuting pasya. Ipinapahamak ang sarili ng ayaw makinig sa pangaral, ngunit ang nagpapahalaga sa paalala ay nagdaragdag ng kaalaman. Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagtuturo ng karunungan, at ang pagpapakumbaba ay nagbubunga ng karangalan. Ang mga balak ng isipan ay sa tao nagmumula, ngunit mula kay Yahweh ang sagot ng dila. Ang akala ng tao ay tama ang kanyang kilos, ngunit sa tunay niyang layon, si Yahweh ang nakatatalos. Ipagkatiwala mo kay Yahweh ang iyong mga gagawin, at magtatagumpay ka sa lahat ng iyong mga layunin. Lahat ng nilalang ni Yahweh ay mayroong kadahilanan, at ang masasama, kaparusahan ang kahihinatnan. Kinamumuhian ni Yahweh ang lahat ng mayayabang, at sila'y tiyak na paparusahan. Katapatan kay Yahweh, bunga ay kapatawaran, ang sa kanya'y gumagalang at sumusunod, malayo sa kasamaan. Kung ang buhay ng tao ay kalugud-lugod kay Yahweh, maging ang mga kalaban, sa kanya'y makikipagbati. Ang maliit na halaga buhat sa mabuting paraan ay higit na mabuti sa yamang buhat sa kasamaan. Ang tao ang nagbabalak, ngunit si Yahweh ang nagpapatupad. Ang bibig ng hari ay bukal ng mga pasyang kinasihan, hindi siya namamali sa lahat niyang kahatulan. Ang nais ni Yahweh ay tamang timbangan, at sa negosyo ay katapatan. Di dapat tulutan ng isang hari ang gawang kasamaan, pagkat ang katatagan ng pamamahala ay nasa katarungan. Ang nais pakinggan ng hari ay ang katotohanan, at ang nagsasabi nito ay kanyang kinalulugdan. Sinisikap ng matalino na masiyahan ang kanyang hari; kapag nagalit ang hari, may buhay na masasawi. Ang kagandahang-loob ng hari ay parang ulap na makapal, may dalang ulan, may taglay na buhay. Higit na mainam sa ginto ang magkaroon ng karunungan, at higit kaysa pilak ang magtaglay ng pang-unawa. Ang landas ng matuwid ay palayo sa kasamaan; ang maingat sa paglakad ay nag-iingat sa kanyang buhay. Ang kapalalua'y humahantong sa pagkawasak, at ang mapagmataas na isipan ay ibabagsak. Higit na mabuti ang mapagpakumbabá kahit na mahirap, kaysa makihati sa yaman ng mapagmataas. Ang sumusunod sa payo ay mananagana, at mapalad ang taong kay Yahweh ay nagtitiwala. Ang matalinong tao ay nakikilala sa kanyang pang-unawa, ang matamis niyang pangungusap ay panghikayat sa iba. Ang karunungan ay bukal ng buhay para sa matalino, ngunit mahirap maturuan ang mangmang na tao. Iniisip ng matalino ang kanyang sasabihin, kaya naman ang kausap ay madali niyang akitin. Kaaya-ayang salita ay parang pulot-pukyutan, matamis sa panlasa, pampalusog ng katawan. May daang matuwid sa tingin ng tao, ngunit kamatayan ang dulo nito. Dahil sa pagkain ang tao'y nagsisikap; upang ang gutom ay bigyan ng lunas. Ang laman ng isip ng tampalasan ay puro kasamaan, ang kanyang mga labi ay parang nakakapasong apoy. Ang taong baluktot ang isipan ay naghahasik ng kaguluhan, at sinisira naman ng tsismis ang magandang samahan. Tinutukso ng taong liko ang kanyang kapwa, at ibinubuyo sa landas na masama. Mag-ingat ka sa taong pangiti-ngiti at kikindat-kindat; pagkat tiyak na mayroon siyang masamang binabalak. Ang mga uban ay putong ng karangalan, ito ay natamo sa matuwid na pamumuhay. Higit na mabuti ang tiyaga kaysa kapangyarihan, at ang pagsupil sa sarili kaysa pagsakop sa mga bayan. Isinasagawa ng tao ang palabunutan, ngunit si Yahweh lang ang huling kapasyahan. Kahit tinapay ang kinakain ngunit may kapayapaan, mabuting di hamak kaysa malaki ngunit magulong handaan. Ang tusong alipin ay makakahati pa sa mamanahin, ng anak ng kanyang amo kung ito'y inutil. Dinadalisay sa apoy ang ginto at pilak, ngunit sa puso ng tao'y si Yahweh ang sumisiyasat. Ang taong masama ay nakikinig sa payo ng masama, at ang sinungaling ay sumusunod sa baluktot na dila. Ang nanlalait sa mahirap ay humahamak sa Maykapal, at ang nagagalak sa kapahamakan ng iba'y mayroon ding pananagutan. Ang mga apo ay putong ng katandaan; ang karangalan ng mga anak ay ang kanilang magulang. Ang pinong pananalita ay di mahahanap sa mangmang, ni ang kasinungalingan sa taong marangal. Sa paniwala ng iba ang suhol ay parang salamangka; kaya lahat ay makukuha kung may pansuhol ka. Ang pagpapatawad sa kapwa ay nagpapasarap sa samahan, ngunit ang pagkakalat ng kahinaan ay sumisira ng pagkakaibigan. Ang matalino'y natututo sa isang salita ngunit ang mangmang ay hindi, hampasin mang walang awa. Ang nais ng masama'y paghihimagsik, kaya ipadadala sa kanya'y isang sugong malupit. Mabuti pang harapin ang inahing osong inagawan ng anak kaysa kausapin ang isang mangmang na lublob sa kahangalan. Kapag masama ang iginanti sa mabuting ginawa, ang kapahamakan sa buhay ay di mawawala. Ang simula ng kaguluha'y parang butas sa isang dike; na dapat ay sarhan bago ito lumaki. Ang humahatol sa walang kasalanan at ang umaayon sa kasamaan, kay Yahweh ay kapwa kasuklam-suklam. Walang katuturan ang gumugol para sa pag-aaral, ng isang taong pumili na siya'y maging mangmang. Ang kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon, at sa oras ng kagipita'y kapatid na tumutulong. Ang mangangakong magbayad para sa utang ng iba, kamangmangang maituturing ang kanyang ginagawa. Ang umiibig sa kaguluhan ay umiibig sa kasalanan; at ang mayayabang ay naghahanap ng kapahamakan. Ang masamang isipan ay hindi uunlad, ang sinungaling ay aabot sa kasawiang-palad. Ang mga magulang ng anak na mangmang, sakit sa damdamin ang nararanasan. Ang pagkamasayahin ay mabuti sa katawan, at ang malungkuti'y unti-unting namamatay. Ang katarungan ay hindi nakakamtan, kung itong masama, suhol ay patulan. Karunungan ang pangarap ng taong may unawa, ngunit ang isip ng mangmang ay pagala-gala. Ang hangal na anak ay problema ng kanyang ama at pabigat sa damdamin ng kanyang ina. Ang pagpaparusa sa matuwid ay hindi makatuwiran, maging ang pagpapahirap sa taong buhay marangal. Nagtataglay ng kaalaman ang maingat magsalita, ang mahinahon ay taong may pagkaunawa. Ang mangmang na hindi madaldal ay iisiping marunong; kung hindi siya masalita at ang bibig ay laging tikom. Ang taong makasarili ay humihiwalay sa karamihan, at salungat sa lahat ng tamang isipan. Walang saysay sa mangmang ang lahat ng bagay, ang nais lang niya'y ipakitang siya'y may alam. Pagsipot ng kasamaan, kasunod ay kahihiyan; kapag nawala ang karangalan, kapalit ay kadustaan. Ang wika ng tao ay bukal ng karunungan, parang dagat na malalim at malamig na batisan. Ang pagkiling sa may sala ay isang kamalian; gayundin naman kung ipagkakait ang katarungan. Ang labi ng mangmang, bunga ay alitan, at ang kanyang bibig, hatid ay kaguluhan. Kanyang bibig, maghahatid sa sariling kasiraan; kanyang labi nama'y isang bitag na kahuhulugan. Ang tsismis ay masarap pakinggan, gustung-gusto ng lahat na pag-uusapan. Ang taong batugan ay sinsama ng taong mapanira. Ang pangalan ni Yahweh ay matibay na tanggulan, kanlungan ng matuwid mula sa kapahamakan. Ang ari-arian ng isang mayaman ay kanyang kanlungan, akala niya'y maililigtas siya nito sa oras ng kapahamakan. Ang pagmamataas ay nagbubunga ng kapahamakan, ngunit ang pagpapakumbaba, ay karangalan. Nakakahiya at isang mangmang ang isang taong sumasagot sa tanong na hindi naman niya nalalaman. Ang matatag na kalooban ay mabuti sa tao, ngunit kung mahina ang loob, anong mangyayari rito? Ang matalino ay nagdaragdag ng kaalaman, ang may unawa'y namumulot pa ng karunungan. Kung nais mapalapit sa maykapangyarihan, magdala ng regalo, sa kanya ay ibigay. Ang unang pahayag ay inaakalang tama, hangga't hindi naririnig, tanong ng kabila. Ang sigalot ay maaaring malutas sa palabunutan, at mapagkasundo ang mahigpit na magkaaway. Ang kaibigang nasaktan ay higit pa sa lunsod na napapaderan, ang di pagkakaunawaan ay mas matibay pa kaysa isang tarangkahan. Anumang sabihin ng tao ay kanyang pananagutan, ayon sa kanyang salita siya'y gagantimpalaan. Ang buhay at kamatayan ay sa dila nakasalalay, makikinabang ng bunga nito ang dito ay nagmamahal. Ang mabuting maybahay ay isang kayamanan; siya'y pagpapala na si Yahweh lang ang may bigay. Ang mahirap ay lumalapit sa diwa ng pakiusap, ngunit ang sagot ng mayama'y salitang mararahas. May pagkakaibigang madaling lumamig, ngunit may kaibigang higit pa sa kapatid. Mas mabuti ang mahirap na marangal ang pamumuhay, kaysa taong masalita ngunit walang nalalaman. Masugid man kung mangmang, walang mapapakinabang; ang kawalan ng tiyaga'y magbubulid sa kaguluhan. Ipinapahamak ng mangmang ang kanyang sarili, pagkatapos si Yahweh ang kanyang sinisisi. Ang kayamana'y umaakit ng maraming kaibigan, ngunit ang mahirap ay tinatalikuran ng dating kasamahan. Ang bulaang saksi ay tiyak na mapaparusahan, at ang sinungaling ay wala ring tatakbuhan. Marami ang lumalapit sa taong mabait, at sa taong bukás-palad, lahat ay malapit. Kung ang mahirap ay tinatalikuran ng mismong kapatid, wala na itong magiging kaibigan, kaninuman lumapit. Ang nagsisikap matuto, sa sarili ay nagmamahal, ang nagpapahalaga sa karunungan ay magtatagumpay. Ang bulaang saksi ay tiyak na mapaparusahan, at ang sinungaling ay wala ring tatakbuhan. Ang masaganang pamumuhay ay di angkop sa isang mangmang; gayon din ang alipin, di dapat mamuno sa mga dugong bughaw. Ang kahinahunan ay nagpapakilala ng katalinuhan, ang pagpapatawad sa masamang ginawa sa kanya ay kanyang karangalan. Ang poot ng hari ay parang leong umuungal, ngunit ang kanyang paglingap ay parang hamog sa halaman. Ang anak na hangal ay kasawiang-palad ng kanyang ama, at tila ulang walang tigil ang bibig ng madaldal na asawa. Namamana sa magulang ang bahay at kayamanan, ngunit si Yahweh lang ang nagbibigay ng mabuting maybahay. Ang taong tamad ay laging nakatihaya; kaya't siya'y magugutom, walang panlagay sa sikmura. Ang tumutupad sa kautusan ay nag-iingat ng kanyang buhay, at ang nagwawalang-bahala sa utos ay tiyak na mamamatay. Parang pagpapautang kay Yahweh ang pagtulong sa mahirap, at pagdating ng panahon, si Yahweh ang magbabayad. Ituwid mo ang iyong anak habang may pagkakataon pa, kung hindi'y ikaw na rin ang nagtulak sa pagkawasak niya. Di dapat pansinin ang taong mainit ang ulo, mapayuhan mo mang minsan, patuloy ding manggugulo. Dinggin mo at sundin ang payo sa iyo, at pagdating ng araw, pakikinabangan mo. Ang isang tao'y maraming iniisip, maraming binabalak, ngunit ang kalooban din ni Yahweh ang siyang mananaig. Kaibig-ibig sa isang tao ang kanyang katapatan, higit na mainam ang mahirap kaysa isang bulaan. Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagbibigay ng buhay, ang gumawa nito'y makakaranas ng kapayapaan, at ligtas sa kapahamakan. Ang kamay ng batugan ay nadidikit sa pinggan, hindi halos makasubo dahil sa katamaran. Parusahan mo ang mapanuya, matututo pati mangmang, pagsabihan mo ang may unawa, lalawak ang kanyang kaalaman. Ang anak na suwail sa magulang ay anak na masama at walang kahihiyan. Ang anak na ayaw makinig sa pangaral ay tumatalikod sa turo ng kaalaman. Ang saksing sinungaling ay sumisira sa takbo ng katarungan, ang bibig ng liko ay nagbubunga ng kasamaan. May hatol na nakalaan para sa mga mapanuya, at sa mga mangmang ay may hagupit na nakahanda. Ang alak ay nagpapababa sa dangal ng isang tao, kaya isang kamangmangan ang magpakalulong dito. Ang poot ng hari ay parang leong umuungal, ang gumalit sa kanya'y nanganganib ang buhay. Ang marangal na tao'y umiiwas sa kaguluhan, ngunit ang gusto ng mangmang ay laging pag-aaway. Ang taong tamad sa panahon ng taniman ay walang magagapas pagdating ng anihan. Tulad ng tubig na malalim ang isipan ng isang tao, ngunit ito'y matatarok ng isang matalino. Sinasabi ng bawat isa na siya ay tapat, ngunit kahit kanino sa kanila'y hindi ka nakakatiyak. Kung ang isang ama'y namumuhay sa katuwiran, mapalad ang mga anak na siya ang tinutularan. Sa pagluklok ng hari upang igawad ang kahatulan, walang matatagong anumang kasamaan. Sino ang makakapagsabi na ang puso niya'y malinis at di namuhay sa kasamaan kahit isang saglit? Ang mandarayang timbangan at mandarayang sukatan, kay Yahweh ay parehong kasuklam-suklam. Kahit ang bata ay makikilala sa kanyang mga gawa; makikita sa kanyang kilos kung siya ay tapat nga. Ang taingang nakakarinig at matang nakakakita, parehong si Yahweh ang siyang maylikha. Matulog ka nang matulog at ika'y maghihirap, ngunit maganda ang iyong bukas kung ika'y magsisikap. Ang sabi ng mamimili, “Ang presyo mo'y ubod taas.” Ngunit pagtalikod ay ipinamamalitang nakabarat. Ang taong nakakaalam ng kanyang sinasabi, daig pa ang may ginto at alahas na marami. Ang sinumang nananagot sa utang ng iba, dapat kunan ng ari-arian bilang garantiya. Anumang nakuha sa pandaraya ay parang masarap na pagkain, ngunit kapag tumagal ay para kang kumain ng buhangin. Ang mabuting payo ay kailangan para magtagumpay; kung hindi ka handa huwag nang pumalaot sa labanan. Ang lihim ay nahahayag dahil sa mga tsismis, kaya huwag kang makisama sa taong makati ang dila. Sinumang magmura sa kanyang magulang, parang ilaw na walang ningas ang wakas ng kanyang buhay. Ang perang hindi pinaghirapan, kung gastusin ay walang hinayang. Huwag mong gantihan ng masama ang masama; tutulungan ka ni Yahweh, sa kanya ka magtiwala. Si Yahweh ay napopoot sa panukat na di tama, siya ay namumuhi sa timbangang may daya. Si Yahweh lamang ang nagtatakda ng ating landasin; kaya huwag ipagyabang ang iyong lakbayin. Bago mangako sa Diyos ay isiping mabuti, upang hindi ka magsisi sa bandang huli. Malalaman ng haring matalino ang lahat ng gumagawa ng masama, at pagdating ng araw sila'y pinaparusahan nang walang awa. Binigyan tayo ni Yahweh ng isipan at ng budhi, kaya't wala tayong maitatago kahit na sandali. Ang haring tapat at makatarungan ay magtatagal sa kanyang luklukan. Karangalan ng kabataan ang kanyang kalakasan, ang putong ng katandaan, buhok na panay uban. Ang hampas na lumalatay ay lumilinis ng kasamaan, at ang palong nadarama'y humuhugas sa kalooban. Hawak ni Yahweh ang isip ng isang hari at naibabaling niya ito kung saan igawi. Ang akala ng tao lahat ng kilos niya'y wasto, ngunit si Yahweh lang ang nakakasaliksik ng puso. Higit na kalugud-lugod kay Yahweh kaysa mga handog ang mga gawang makatuwiran at makatarungan. Ugaling mapangmata at pusong mapagyabang, ito ang siyang gabay ng mga makasalanan. Ang mabuting pagbabalak ay pinapakinabangan, ngunit ang dalus-dalos na paggawa'y walang kahihinatnan. Ang pagkakamal ng salapi dahil sa kadayaan ay maghahatid sa maagang kamatayan. Ang masama'y ipinapahamak ng sariling karahasan, pagkat ayaw gawin ang talagang katuwiran. Ang landas ng may sala ay paliku-liko, ngunit ang lakad ng matuwid ay laging wasto. Masarap pa ang tumira sa bubungan ng bahay kaysa sa loob ng bahay na ang kasama'y asawang madaldal. Ang isip ng masama'y lagi sa kalikuan, kahit na kanino'y walang pakundangan. Parusahan mo ang mangungutya at matututo ang mangmang, pagsabihan mo ang matino, lalong lalawak ang kanyang kaalaman. Alam ng Diyos ang nangyayari sa loob ng bahay ng masama, at siya'y gumagawa ng paraan upang sila'y mapariwara. Ang hindi pumapansin sa daing ng mahirap, daraing din balang araw ngunit walang lilingap. Kung ang kapwa mo ay may hinanakit, regaluhan mo nang palihim, mawawala ang galit. Kapag umiiral ang katarungan, natutuwa ang matuwid, ngunit nalulungkot ang masama at may likong pag-iisip. Ang lumilihis sa daan ng kaalaman ay hahantong sa kamatayan. Ang taong maluho at mahilig sa alak ay di yayaman, bagkus sa hirap siya'y masasadlak. Ang masamang balak sa taong matuwid ay babalik sa liko ang pag-iisip. Mas mabuti ang mag-isang manirahan sa ilang kaysa makisama sa asawang madaldal at palaaway. Ang bahay ng matalino'y napupuno ng kayamanan, ngunit lahat ay winawaldas ng taong mangmang. Ang lumalakad sa daan ng katuwiran at katapatan ay nagkakamit ng buhay at karangalan. Ang matalinong pinuno ay makakapasok sa lunsod na may mga bantay, at kanyang maiguguho ang inaasahan nilang muog na matibay. Ang pumipigil sa kanyang dila ay umiiwas sa masama. Ang taong makasarili ay palalo at mapang-api. Gutom ang papatay sa taong batugan, pagkat ayaw niyang ikilos ang kanyang mga kamay. Ang taong tamad ay nanghihingi araw-araw, ngunit ang matuwid ay di nagsasawa ng kabibigay. Ang handog ng masama ay kasuklam-suklam sa Diyos, lalo't ang layunin nito ay di kalugud-lugod. Ang patotoo ng sinungaling ay di papakinggan, ngunit ang salita ng tapat ay pahahalagahan. Alam ng matuwid ang kanyang hinaharap, di tulad ng masama, nagkukunwa, nagpapanggap. Ang kaalaman ng tao, unawa o karunungan ay di makatutulong kung si Yahweh ay kalaban. Ang kabayo'y naihahanda para sa digmaan, ngunit tanging si Yahweh ang nagbibigay ng tagumpay. Mas mabuting piliin ang malinis na pangalan, kaysa pilak at ginto o anumang kayamanan. Kay Yahweh ay pareho ang mayama't mahirap, pagkat siya ang may lalang sa kanilang lahat. Kung may dumarating na panganib, ang matalino'y nag-iingat, ngunit di ito pansin ng mangmang kaya siya'y napapahamak. Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh at ang kapakumbabaan ay nagbubunga ng yaman, buhay at karangalan. Sa landas ng masama ay may tinik at mga patibong, at ang nagmamahal sa sarili ay umiiwas doon. Ituro sa bata ang daang dapat niyang lakaran, at hanggang sa paglaki'y di niya ito malilimutan. Ang mahirap ay nasa kapangyarihan ng mayaman, ang nangangailangan ay alipin ng nagpapahiram. Ang naghahasik ng kasamaan ay mag-aani ng kamalasan, at hindi magtatagal ang kanyang kasamaan. Ang mahirap ay bahaginan mo ng pagkain, at tiyak na ikaw ay pagpapalain. Palayasin mo ang mga sulsol at mawawala ang alitan, at matitigil ang kaguluhan pati pag-aaway. Ang magiliw mangusap at may pusong dalisay, pati ang hari'y magiging kaibigan. Binabantayan ni Yahweh ang mga nag-iingat ng kaalaman, ngunit di niya pinagtatagumpay ang salita ng mga mangmang. Ang tamad ay ayaw lumabas ng bahay, ang idinadahila'y may leon sa daan. Ang salita ng mapang-apid ay isang patibong at ang mga hindi nagtitiwala kay Yahweh ang nahuhulog doon. Likas sa mga bata ang pagiging pilyo, ngunit sa pamamagitan ng palo, sila'y matututo. Ang nagreregalo sa mayaman o umaapi sa mahirap para magpayaman ay mauuwi rin sa karalitaan. Pakinggan mo at pag-aralang mabuti ang aking mga ituturo. Ito'y magdudulot sa iyo ng kaligayahan kung isasaulo mo. Sinasabi ko ito sa iyo sapagkat nais kong si Yahweh ang iyong panaligan. Tatlumpu ang kawikaang ito. Bawat isa ay magandang panuntunan at magdudulot ng kaalaman. Ituturo nito sa iyo kung ano ang katotohanan. Sa gayon, may maisasagot ka kung may magtanong sa iyo. Huwag mong samantalahin ang kahinaan ng mahihirap, ni pagmalabisan ang dukha sa harap ng hukuman. Sapagkat ipagtatanggol sila ni Yahweh, at aagawan niya ang nang-agaw sa mga iyon. Huwag kang makipagkaibigan sa taong bugnutin, ni makisama sa taong magagalitin, baka mahawa sa kanila at sa bitag ay masilo. Huwag kang mangangako para sa utang ng iba, ni gumarantiya para sa kanya. Kapag hindi ka nakabayad, hindi ba't kukunin pati ang higaan mo? Huwag mong babaguhin ang mga hangganang itinayo, ito'y inilagay doon ng ating mga ninuno. Alam ba ninyo kung sino ang pinaglilingkuran ng mga mahusay magtrabaho? Sila'y naglilingkod sa mga hari, hindi sa mga alipin. Kung ikaw ay kasalo ng may mataas na katungkulan, huwag mong kalilimutan kung sino ang iyong kaharap. Kung ikaw man ay matakaw, pigilan mo ang iyong sarili. Huwag mong nasain ang pagkain ng hari, baka iyon ay pain lang sa iyo. Huwag mong pagurin ang sarili sa pagpapayaman; pag-aralan mong umiwas doon. Sapagkat madaling mawala ang kayamanan, ito'y simbilis ng agila sa paglipad sa kalawakan. Huwag kang makikikain sa taong kuripot, ni nanasain man ang masasarap niyang pagkain. Sapagkat iyon ay maninikit sa iyong lalamunan. Aanyayahan ka nga niyang kumain at uminom, ngunit hindi bukal sa kalooban. Isusuka mo rin ang lahat ng iyong kinain at masasayang lang ang maganda mong sasabihin. Ingatan mo ang iyong dila sa harap ng mga mangmang, hindi nila mauunawaan kahit gaano kaganda ang sabihin mo. Huwag mong babaguhin ang hangganang matagal nang nakalagay, ni sasakupin ang lupa ng mga ulila. Sapagkat ang Tagapagtanggol nila ay makapangyarihan, at siya ang iyong makakalaban. Huwag kang hihiwalay sa mabubuting aral, at pakinggan mong mabuti ang salita ng karunungan. Disiplinahin mo ang bata. Ang wastong pagpalo ay hindi niya ikamamatay. Inililigtas mo pa siya mula sa daigdig ng mga patay. Anak, matutuwa ako kung magiging matalino ka. Makadarama ako ng pagmamalaki kung ang mga salita mo ay may karunungan. Huwag kang maiinggit sa mga makasalanan, sa halip, si Yahweh ay laging igalang at sundin. Kung magkagayon ay gaganda ang iyong kinabukasan. Anak, maging matalino ka at pag-isipan mong mabuti ang iyong buhay. Huwag kang makikisama sa mga lasenggo at sa masiba sa pagkain. Pagkat sila'y masasadlak sa kahirapan, at darating ang panahong magdadamit ng basahan. Pakinggan mo ang iyong ama na pinagkakautangan mo ng buhay, at huwag hahamakin ang iyong ina kapag siya'y matanda na. Hanapin mo ang katotohanan, karunungan at unawa. Pahalagahan mo ang mga ito at huwag pababayaang mawala. Ang ama ng taong matuwid ay puno ng kagalakan. Ipinagmamalaki ng ama ang anak na matalino. Sikapin mong ikaw ay maging karapat-dapat ipagmalaki ng iyong mga magulang at madudulutan mo ng kaligayahan ang iyong ina. Anak, makinig kang mabuti sa akin at tularan mo ang aking pamumuhay. Ang masasamang babae at di-tapat na asawa ay mapanganib na patibong, tiyak na mamamatay ang mahulog doon. Siya'y laging nakaabang tulad ng magnanakaw, at sinumang maakit niya ay natututong magtaksil. Sino ang may kalungkutan at may malaking panghihinayang? Sino ang may kaaway at kabalisahan? Sino ang nasusugatan nang di nalalaman? At sino ang may matang pinamumulahan? Sino pa kundi ang sugapa sa alak, at ang nagpapakalango sa masarap na inumin. Huwag mong tutunggain ang matapang na alak kahit ito'y katakam-takam, sapagkat kinaumagahan ay daig mo pa ang tinuklaw ng ahas na makamandag. Kung anu-ano ang iyong sasabihin, at hindi ka makapag-isip nang mabuti. Ang makakatulad mo'y nasa gitna ng dagat at hinahampas ng malalaking alon. Pasuray-suray kang maglalakad at sasabihin mo, “Ano sa akin kung ako'y mahandusay? Mabulagta man ako, ayos lang iyan! Pagbangon ko, iinom muli ako.” Huwag mong kainggitan ang mga makasalanan ni sa kanila'y makipagkaibigan. Ang nasa isip nila'y laging kaguluhan, at ang dila nila'y puno ng kasinungalingan. Sa pamamagitan ng karunungan, naitatayo ang isang bahay, at ito'y naitatatag dahil sa kaunawaan. Ang loob ng tahanan ay napupuno ng lahat ng magagandang bagay dahil sa karunungan. Ang karunungan ay higit na mabuti kaysa kalakasan. At ang kaalaman ay kapangyarihan. Ang digmaa'y naipagtatagumpay dahil sa mahusay na pagpaplano sapagkat ang tagumpay ay bunga ng mabuting payo. Ang malalim na kasabihan ay di mauunawaan ng mangmang. Wala itong masasabi sa mahahalagang usapan. Ang mahilig sa paggawa ng masama ay tinatawag na puno ng kasamaan. Anumang pakana ng masama ay kasalanan, at kinamumuhian ng tao ang nanunuya sa kapwa. Kung hindi ka makatagal sa panahon ng kahirapan ay nangangahulugan ngang ikaw ay mahina. Tulungan mo at iligtas ang hinatulang mamatay nang walang katarungan. Kapag sinabi mong, “Wala akong pakialam sa taong iyan,” ito'y hindi maikakaila sa Diyos na nakakaalam ng laman ng iyong puso. Alam ito ng Diyos na nakatunghay sa iyo. Pagbabayarin niya ang tao ayon sa ginawa nito. Anak, uminom ka ng pulot-pukyutan at ito'y makakabuti sa iyo. Kung ang pulot-pukyutan ay masarap sa panlasa, ang karunungan naman ay mabuti sa kaluluwa. Kaya, hanapin mo ang kaalaman at magkakaroon ka ng magandang kinabukasan. Ang tahanan ng matuwid ay huwag mong pag-isipang pagnakawan, ni gagawan ng dahas ang kanyang tinitirhan, sapagkat siya'y makatatayong muli mabuwal man ng pitong ulit. Ngunit ang masama ay dagling nababagsak sa panahon ng kahirapan. Huwag mong ikagalak ang pagbagsak ng iyong kaaway ni ang kanyang kapahamakan. Kapag ginawa mo iyon, magagalit sa iyo si Yahweh at sila'y hindi na niya paparusahan. Huwag kang maiinggit sa mga gumagawa ng masama ni tutulad sa kanilang mga gawa. Ang masama ay walang kinabukasan, walang inaasahan sa hinaharap. Anak, igalang at sundin mo si Yahweh, gayon din ang hari. Huwag mong susuwayin ang sinuman sa kanila sapagkat bigla na lang kayong mapapahamak. Hindi ka ba natatakot sa pinsalang magagawa nila sa iyo? Narito pa ang ilang mahahalagang kawikaan: Hindi dapat magtangi sa pagpapairal ng katarungan. Ang hukom na nagpapawalang-sala sa may kasalanan ay itinatakwil ng tao at isinusumpa ng bayan. Ang nagpaparusa sa masama ay mapapabuti at pagpapalain. Ang tapat na kasagutan ay tanda ng mabuting pagkakaibigan. Ihanda mo muna ang iyong bukid para mayroon kang tiyak na pagkakakitaan bago ka magtayo ng bahay at magtatag ng tahanan. Huwag kang sasaksi laban sa iyong kapwa nang walang sapat na dahilan, ni magsasabi ng kasinungalingan laban sa kanya. Huwag mong sasabihin, “Gagawin ko sa kanya ang ginawa niya sa akin upang ako'y makaganti!” Napadaan ako sa bukid at ubasan ng isang tamad at mangmang. Ito'y puno ng matinik na damo, at gumuho na ang bakod nito. Ang nakita ko'y pinag-isipan kong mabuti at may nakuha akong magandang aral: Kaunting tulog, bahagyang idlip, sandaling pahinga at paghalukipkip, samantalang namamahinga ka ang kahirapa'y darating na parang armadong magnanakaw upang kunin ang lahat ng iyong kailangan. Narito pa ang mga kawikaan ni Solomon; tinipon at kinopya ng mga tauhan ni Hezekias na hari ng Juda. Kaluwalhatian ng Diyos na balutin ng hiwaga ang lahat ng bagay, at karangalan naman ng hari na ito'y saliksikin. Isipan ng hari'y mahirap malaman, ito'y sintaas ng langit, sinlalim ng karagatan. Kapag ang pilak ay dalisay, may magagawa na ang panday. Kapag ang masamang tagapayo'y naalis sa paligid ng hari, ang katarungan ang mamamalagi. Huwag kang magmamataas sa harap ng hari, ni ihanay ang sarili sa mga taong pili. Pagkat mas mabuting sabihin sa iyong, “Halika rito,” kaysa hamakin ka sa harap ng marami. Ang nakita mo'y huwag agad dalhin sa hukuman, baka sa bandang huli'y lumabas ka pang may kasalanan. Kung may alitan kayo ng iyong kapwa, ilihim at lutasin agad at baka lumala. Baka ito ay malantad sa kaalaman ng madla at kayo'y malagay sa kahiya-hiya. Kapag angkop sa panahon ang salitang binigkas, para itong ginto sa lalagyang pilak. Ang magandang payo sa marunong makinig ay higit na di hamak sa ginto o mamahaling alahas. Ang sugong tapat ay kasiyahan ng nagsugo sa kanya, tulad ng malamig na tubig sa panahon ng tag-araw. Ang taong puro pangako lamang ay parang ulap at hanging walang dalang ulan. Sa malumanay na pakiusap pusong bato'y nababagbag, sa pagtitiyaga pati hari ay nahihikayat. Huwag kakain ng labis na pulot-pukyutan at baka ito'y isuka mo lang. Huwag mong dadalasan ang dalaw sa kapwa, baka siya mabagot at sa iyo'y magsawa. Ang taong sumasaksi laban sa kapwa nang walang katotohanan ay tulad ng tabak, pambambo o palasong pumapatay. Ang taksil na pinagtiwalaan sa panahon ng pangangailangan ay tulad ng ngiping umuuga at mga paang pilay. Hapdi ang dulot ng awit sa pusong may sugat, parang asing ikinuskos sa gasgas na balat, parang paghuhubad ng damit sa panahon ng taglamig. Kapag nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo at painumin kung siya'y nauuhaw. Sa gayo'y mailalagay mo siya sa kahihiyan at tatanggap ka pa ng gantimpala mula kay Yahweh. Kung paanong ang hanging timog ay nagdadala ng ulan, nagdadala naman ng galit ang paninira ng karangalan. Masarap pa ang tumira sa bubungan ng bahay kaysa loob ng bahay na ang kasama'y asawang madaldal. Kung paano ang malamig na tubig sa labing nauuhaw, gayon ang mabuting balita buhat sa malayong bayan. Bukal na nilabo o balong nadumihan ang katulad ng matuwid na sa masama ay nakipagkaibigan. Kung paanong masama ang labis na pulot-pukyutan, gayon din ang pagkagahaman sa karangalan. Ang taong walang pagpipigil ay tulad ng lunsod na walang tanggulan, madaling masakop ng mga kaaway. Ang papuri'y di angkop sa taong mangmang, parang ulan ng yelo sa tag-araw o panahon ng anihan. Ang sumpang di nararapat ay hindi tatalab, tulad lang ito ng ibong di dumadapo at lilipad-lipad. Ang latigo'y para sa kabayo, ang bokado'y para sa asno, ang pamalo naman ay sa mangmang na tao. Huwag mong papatulan ang isang mangmang at baka lumabas na higit ka pang mangmang. Sagutin mo ang mangmang ayon sa kanyang kahangalan, upang hindi niya isipin na siya'y may katuwiran. Ang magpadala ng balita sa mangmang ay napakadelikado, para mo na ring tinaga ang mga paa mo. Kung ang paang pilay ay walang kabuluhan, ganoon din ang kawikaan sa bibig ng mangmang. Ang isang papuring sa mangmang iniukol ay parang batong nakatali sa balat ng tirador. Ang isang kawikaan sa bibig ng mangmang, ay tulad ng tinik sa kamay ng lasing. Tulad ng isang namamana ng kahit na sino ang isang taong umupa ng mangmang o lasenggo. Ang taong nananatili sa kanyang kahangalan ay tulad ng aso, ang sariling suka ay binabalikan nito. Nakakita na ba kayo ng taong nag-aakalang siya ang pinakamatalino? Mas may pag-asa pa ang mangmang kaysa taong ito. Ano ang idinadahilan ng taong batugan? “May leon sa daan, may leon sa lansangan.” Kung paano lumalapat ang pinto sa hamba, ang batugan naman ay sa kanyang kama. Ang kamay ng tamad ay nadidikit sa pinggan, ni hindi mailapit sa bibig dahil sa katamaran. Ang palagay ng tamad, siya ay mas marunong kaysa pitong taong wasto kung tumugon. Ang nakikisali sa gulo ng may gulo ay tulad ng taong dumadakma sa tainga ng aso. Namamatay ang apoy kung ubos na ang kahoy; nahihinto ang away kapag walang nanunulsol. Kung ang baga'y nagdidikit dahil sa pag-ihip, at nagliliyab ang apoy kung maraming gatong, patuloy ang labu-labo kung maraming mapanggulo. Ang tsismis ay tulad ng masarap na pagkain; masarap pakinggan, masarap namnamin. Ang matamis ngunit pakunwaring salita ay parang pintura ng mumurahing banga. Ang tunay na damdamin ng mapagkunwari ay maitatago sa salitang mainam. Matamis pakinggan ngunit huwag paniwalaan sapagkat iyon ay bunga ng kanyang pagkasuklam. Maaaring ang galit niya'y maitago sa magandang paraan ngunit nalalantad din sa mata ng lahat. Ang nag-uumang ng bitag ay siya ring mahuhuli roon. Ang nagpapagulong ng bato ang siyang tatamaan niyon. Ang taong sinungaling ay galit sa kapwa. Ang madayang salita ay nagpapahamak sa iba. Huwag ipagyayabang ang araw ng bukas, pagkat di mo alam kung anong magaganap. Hayaan mong iba ang sa iyo'y pumuri at ang sariling bangko'y huwag mong buhatin. Ang bato ay mabigat, ang buhangin ay may timbang, ngunit mas mabigat ang kaguluhang dulot ng kamangmangan. Ang galit ay mabagsik, ang poot ay mabangis, ngunit ang pagseselos ay may ibayong lupit. Hindi hamak na mabuti ang harapang paninita, kaysa naman sa pag-ibig, ngunit ito'y lihim pala. May pakinabang sa hampas ng tapat na kaibigan kaysa halik ng isang kaaway. Ang taong busog ay tatanggi kahit sa pulot-pukyutan, ngunit sa taong gutom, matamis kahit ang ampalaya. Ang taong lumayas sa kanyang tahanan, tulad ng ibong sa pugad ay lumisan. Ang langis at pabango'y pampasigla ng pakiramdam ngunit ang kabalisaha'y pampahina ng kalooban. Huwag mong pababayaan ang iyong kaibigan, ni ang kaibigan ng iyong magulang. Kung ikaw ay nagigipit, huwag sa kapatid lalapit. Higit na mabuti ang kapitbahay na malapit, kaysa isang malayong kapatid. Magpakatalino ka, anak, upang ako'y masiyahan at sa gayo'y di ako mapahiya sa nangungutya man. Alam ng matalino kung may panganib at siya'y nag-iingat, ngunit di ito pansin ng mangmang kaya siya'y napapahamak. Kunin mo ang kasuotan ng sinumang nananagot para sa iba, at siya ang pagdusahin mo dahil sa pag-ako sa di niya kilala. Ang pahiyaw na pagbati bilang panggising sa kaibigan ay para nang sumpang binibitiwan. Nakakayamot ang asawang masalita tulad ng ulan na ayaw tumila. Mahirap siyang patigilin, para kang dumadakot ng langis o pumipigil sa hangin. Bakal ang nagpapatalim sa kapwa bakal at isip ang nagpapatalas sa kapwa isipan. Ang nag-aalaga sa punong igos ay makakakain ng bunga niyon; ang aliping may malasakit ay pararangalan naman ng kanyang panginoon. Kung paanong ang mukha ay nalalarawan sa tubig, sa kilos naman nahahalata ang iniisip. Ang nasa ng tao'y walang katapusan, tulad ng libingan, laging naghihintay. Dinadalisay sa apoy ang ginto at pilak, ngunit ugali ng tao ay makikilala sa gawa araw-araw. Bayuhin mang parang bigas ang isang taong mangmang, hindi rin maaalis ang kanyang kamangmangan. Ang iyong mga hayop ay iyong bantayan, alagaang mabuti ang iyong kawan. Di mamamalagi ang yaman, ganoon din ang mga nasa kapangyarihan. Putulin muna ang dayami, saka gapasin ang damo sa parang habang hinihintay ang susunod na anihan. Sa mga tupa kinukuha ang ginagawang kasuotan, at ang pinagbentahan mo ng iyong kambing ay maaaring ipambili ng bukid. Ang gatas ng inahing kambing ay sa ibang kailangan, sa pagkain ng pamilya mo't mga katulong sa bahay. Tumatakbo ang masama kahit walang humahabol, ngunit panatag ang matuwid, ang katulad ay leon. Kung ang bayan ay magkasala, maraming gustong mamahala, ngunit kung matalino ang namumuno, malakas at matatag ang bansa. Ang pinunong sa mahihirap ay sumisiil ay tulad ng ulang sumisira sa pananim. Ang masama ay pinupuri ng masuwayin sa batas, ngunit kalaban nila ang mga taong sa tuntunin ay tumutupad. Hindi alam ng masama kung ano ang katarungan, ngunit ang mga sumasamba kay Yahweh, lubos itong maiintindihan. Mabuti na ang mahirap na namumuhay sa katuwiran, kaysa taong mayaman ngunit makasalanan. Ang anak na matalino ay sumusunod sa aral, ngunit ang nakikipagbarkada sa masasama ay kahihiyan ng magulang. Ang kayamanang natamo sa pamamagitan ng patubuan ay mauuwi sa maawain at matulungin sa nangangailangan. Ang panalangin ng taong hindi sumusunod sa kautusan ay kasuklam-suklam. Ang tumutukso sa mabuti upang magpakasama ay mabubulid sa sariling pakana, ngunit ang taong may tapat na pamumuhay ay magmamana ng maraming kabutihan. Ang palagay ng mayaman ay marunong siya, ngunit ang mahirap na may unawa ay mabuti pa sa kanya. Kapag matuwid ang nasa kapangyarihan, ang lahat ay nagdiriwang, ngunit kung ang pumalit ay masama, lahat ay nasa taguan. Ang nagkukubli ng kanyang sala ay hindi mapapabuti, ngunit kahahabagan ng Diyos ang nagbabalik-loob at nagsisisi. Mapalad ang taong sumusunod sa ating Diyos, ngunit ang matigas ang ulo ay mapapahamak. Ang masamang hari ay tila leong mabagsik at nakakatakot na parang osong mabangis. Ang haring walang pang-unawa ay tiyak na malupit; ang pamamahala ng tapat na hari ay lalawig. Ang pumatay sa kapwa ay humuhukay ng sariling libingan, at ang taong ito'y di dapat tulungan. Ang taong tapat ay ligtas sa kapahamakan, ngunit ang masama ay biglang mabubuwal. Sagana sa pagkain ang magsasakang masipag, ngunit naghihirap ang taong tamad. Ang taong tapat ay mananagana sa pagpapala, ngunit paparusahan ang yumaman sa pandaraya. Ang paghatol nang may kinikilingan ay hindi mainam, ngunit dahil sa suhol may hukom na gumagawa ng ganitong kasamaan. Ang kuripot ay nagmamadaling yumaman ni hindi iniisip na kahirapan ay daratal. Ang tapat sa pagsaway sa bandang huli'y pasasalamatan kaysa sa taong panay ang pagpuri kahit hindi nararapat. Ang anak na ninakawan ang kanyang magulang at sasabihing ito'y hindi kasalanan, ay masahol pa sa karaniwang magnanakaw. Ang taong gahaman ay lumilikha ng kaguluhan, ngunit ang nagtitiwala kay Yahweh, uunlad ang kabuhayan. Ang nagtitiwala sa sariling kakayahan ay mangmang, ngunit ang sumusunod sa magandang payo ay malayo sa kapahamakan. Ang tumutulong sa mahirap ay di magkukulang, ngunit susumpain ang nagbubulag-bulagan. Kapag masama ang pinuno, ang lahat ay nagkukubli, ngunit kapag sila ay wala na, ang mabubuti'y dumadami. Ang taong ayaw magbago ay hindi maliligtas; ang hindi makinig ng payo ay mapapahamak. Kapag matuwid ang namamahala, bayan ay nagsasaya, ngunit tumatangis ang bayan kung ang pinuno ay masama. Ang nagpapahalaga sa karunungan ay nagbibigay galak sa magulang, ngunit ang nakikisama sa patutot ay nagwawaldas ng kayamanan. Ang kaharian ay matatag kung ang hari'y makatarungan, ngunit ito'y mawawasak kung sa salapi siya'y gahaman. Ang kunwang pumupuri sa kanyang kapwa, nag-uumang ng bitag na sa sarili inihahanda. Ang masama ay nahuhuli sa sariling kasalanan, ngunit ang matuwid ay panatag, may awit ng kagalakan. Kinikilala ng matuwid ang karapatan ng mahirap, ngunit ito'y bale-wala sa mga taong swapang. Ang buong bayan ay ginugulo ng palalo, ngunit ang galit ay pinapawi ng taong matino. Kapag inihabla ng may unawa ang isang taong mangmang, ito'y hahalakhak lang at lilikha ng kaguluhan. Ang mamamatay-tao ay namumuhi sa taong tapat, ngunit ang matuwid, sa kanila'y nag-iingat. Kung magalit ang mangmang ay walang pakundangan, ngunit ang matalino'y nagpipigil na ang galit niya'y mahalata. Kapag nakinig ang hari sa kasinungalingan, lahat ng lingkod niya'y mabubuyo sa kasamaan. Magkapareho sa iisang bagay ang mahirap at maniniil: Si Yahweh ang may bigay ng kanilang paningin. Kung ang pagtingin ng hari ay pantay-pantay, magiging matatag magpakailanman ang kanyang kaharian. Disiplina at pangaral, hatid ay karunungan; ngunit ang batang suwail, sa magulang ay kahihiyan. Kapag masama ang namamahala, naglipana ang karahasan, ngunit masasaksihan ng matuwid ang kanilang kapahamakan. Ang anak mo'y busugin sa pangaral, at pagdating ng araw, siya'y iyong karangalan. Ang bansang walang patnubay ng Diyos ay puno ng kaguluhan, ngunit mapalad ang taong sumusunod sa Kautusan. Ang utusan ay di matututo kung ito lang ay pagsasabihan, pagkat di niya susundin kahit ito ay maunawaan. Mabuti nang di hamak ang hangal kaysa taong ang sinasabi'y hindi na pinag-iisipan. Kapag ang utusan ay iyong pinalayaw, siya na ang mag-uutos pagdating ng araw. Ang taong magagalitin ay laging napapasok sa gulo; laging nakikipag-away dahil sa init ng ulo. Ang magbabagsak sa tao'y ang kanyang kapalaluan, ngunit ang mapagpakumbabá ay magtatamo ng karangalan. Ang makipagsabwatan sa magnanakaw ay mahirap na kalagayan: Kapag nagsabi ng totoo, ipabibilanggo ng hukuman, ngunit paparusahan naman ng Diyos kapag ang sinabi'y kasinungalingan. Huwag mong ikabahala ang sinasabi ng iba, magtiwala ka kay Yahweh at mapapanatag ka. Marami ang lumalapit sa hari upang humingi ng tulong, ngunit kay Yahweh lamang makakamtan ang katarungan. Ang masama ay kinasusuklaman ng mga matuwid; ang masasama nama'y sa matuwid nagagalit. Mga kawikaan ni Agur na anak ni Jakeh ng Massa. Ito ang sinabi niya kina Itiel at Ucal: “Ang Diyos ay malayo sa akin, wala akong magagawa. Ako ay mangmang, alangang maging tao. Wala akong karunungan, hindi ako matalino. Di ako nakapag-aral, kaya ako ay mangmang, walang karunungan, walang alam sa Maykapal. Sino ang dalubhasa tungkol sa kalangitan? Sino ang nakapigil ng hangin sa kanyang palad? Sino ang nakapagbalot ng tubig sa isang damit? Sino ang naglagay ng mga hangganan sa daigdig? Sino siya? Sino ang kanyang anak? “Ang lahat ng salita ng Diyos ay mapananaligan at siya ang kanlungan ng mga nananalig sa kanya. Huwag mong daragdagan ang kanyang salita sapagkat pagsasabihan ka niya bilang isang sinungaling.” Diyos ko, may hihilingin akong dalawang bagay bago ako mamatay: Huwag akong hayaang maging sinungaling. Huwag mo akong payamanin o paghirapin. Sapat na pagkain lamang ang ibigay mo sa akin. Baka kung managana ako ay masabi kong hindi na kita kailangan. Baka naman kung maghirap ako'y matutong magnakaw, at pangalan mo'y malapastangan. Ang alipin ay huwag mong sisiraan sa kanyang amo, baka isumpa ka niya't pagbayarin sa ginawa mo. May mga taong naninira sa kanilang ama, masama ang sinasabi tungkol sa kanilang ina. May mga taong nagmamalinis sa sarili, ngunit ang totoo'y walang kasindumi. May mga taong masyadong palalo, ang akala nila'y kung sino na sila. May mga tao namang masyadong masakim, pati mahihirap, kanilang sinisiil. Ang linta ay may dalawang anak, “Bigyan mo ako, bigyan mo ako,” ang lagi nilang hiling. May apat na bagay na kailanma'y di masiyahan: Ang libingan, ang babaing walang anak, ang lupang tuyo na laging nais matigmak, at ang apoy na naglalagablab. Ang anak na kumukutya sa kanyang ama at laging sumusuway sa salita ng ina, tutukain ng uwak ang kanilang mata at kakainin ng buwitre ang kanilang bangkay. May apat na bagay na di ko maunawaan: Ang paglipad ng agila sa kalangitan, ang paggapang ng ahas sa ibabaw ng batuhan, ang paglalayag ng barko sa karagatan, at ang babae't lalaking nagmamahalan. Ganito naman ang ginagawa ng asawang nagtataksil: makikipagtalik, pagkatapos ay magbibihis saka sasabihing wala siyang ginagawang masama. May apat na bagay na yayanig sa daigdig: Ang aliping naging hari, ang isang mangmang na sagana sa pagkain, ang babaing masungit na nagkaasawa, at ang isang aliping babaing pumalit sa kanyang amo. Sa daigdig ay may apat na maliliit na hayop ngunit may pambihirang kaisipan. Ang mga langgam: sila ay mahina subalit nag-iipon ng pagkain kung tag-araw. Ang mga kuneho: mahihina rin sila subalit nakagagawa ng kanilang tirahan sa batuhan. Ang mga balang: bagama't walang haring sumusubaybay ay lumalakad nang maayos at buong inam. Ang mga butiki: maaaring hawakan sa iyong palad dahil sa kaliitan, subalit nasa palasyo ng hari at doon naninirahan. May apat na bagay na kasiya-siyang pagmasdan sa kanilang paglakad: Ang leon, pinakamatapang na hayop at kahit kanino ay di natatakot. Ang tandang na magilas, ang kambing na mabulas, at ang hari sa harap ng bayan. Kung sa kahangalan mo'y naging palalo ka at nagbalak ng masama, mag-isip-isip ka. Batihin mo ang gatas at may mantekilya ka; suntukin mo ang ilong ng iyong kapwa at dudugo nang sagana; guluhin mo ang iba at mapapaaway ka. Ito ang mga payo ni Haring Lemuel ng Massa, mga kawikaang itinuro ng kanyang ina. “Mayroon akong sasabihin sa iyo anak, na tugon sa aking dalangin. Huwag mong uubusin sa babae ang lakas mo at salapi, at baka mapahamak kang tulad ng ibang hari. Lemuel, di dapat sa hari ang uminom ng alak o matapang na inumin. Kadalasan kapag lasing na sila'y nalilimutan na nila ang matuwid at napapabayaan ang karapatan ng mga taong naghihirap. Ang alak ay ibigay mo na lamang sa nawawalan ng pag-asa at sa mga taong dumaranas ng matinding kahirapan. Hayaan silang uminom upang hirap ay malimutan, at kasawia'y di na matandaan. “Ipagtanggol mo ang mga di makalaban, ipaglaban ang kanilang karapatan. Ipahayag mo nang malinaw ang katotohanan at ang katuwiran, at igawad ang katarungan sa api at mahirap.” Mahirap makakita ng mabuting asawa, higit sa mamahaling alahas ang kanyang halaga. Lubos ang tiwala ng kanyang asawa, at saganang pakinabang ang makakamit niya. Pinaglilingkuran niya ang asawa habang sila'y nabubuhay, pawang kabutihan ang ginagawa at di kasamaan. Wala siyang tigil sa paggawa, hindi na halos nagpapahinga, humahabi ng kanyang telang lino at lana. Tulad ng isang barkong puno ng kalakal, siya ay nag-uuwi ng pagkain mula sa malayong lugar. Bago pa sumikat ang araw ay inihahanda na ang pagkain ng buo niyang sambahayan, pati na ang gawain ng mga katulong sa bahay. Mataman niyang tinitingnan ang bukid bago siya magbayad, ang kanyang naiimpok ay ipinagpapatanim ng ubas. Gayunma'y naiingatan ang kamay at katawan upang matupad ang lahat ng kanyang tungkulin araw-araw. Sa kanya'y mahalaga ang bawat ginagawa, hanggang hatinggabi'y makikitang nagtitiyaga. Siya'y gumagawa ng mga sinulid, at humahabi ng sariling damit. Matulungin siya sa mahirap, at sa nangangailanga'y bukás ang palad. Hindi siya nag-aalala dumating man ang tagginaw, pagkat ang sambahayan niya'y may makapal na kasuotan. Gumagawa siya ng makakapal na sapin sa higaan at damit na pinong lino ang sinusuot niya. Ang kanyang asawa'y kilala sa lipunan at nahahanay sa mga pangunahing mamamayan. Gumagawa pa rin siya ng iba pang kasuotan at ipinagbibili sa mga mangangalakal. Marangal at kapita-pitagan ang kanyang kaanyuan at wala siyang pangamba sa bukas na daratal. Ang mga salita niya ay puspos ng karunungan at ang turo niya ay pawang katapatan. Sinusubaybayan niyang mabuti ang kanyang sambahayan at hindi tumitigil sa paggawa araw-araw. Iginagalang siya ng kanyang mga anak at pinupuri ng kanyang kabiyak: “Maraming babae na mabuting asawa, ngunit sa kanila'y nakahihigit ka.” Mandaraya ang pang-akit at kumukupas ang ganda, ngunit ang babaing gumagalang at sumusunod kay Yahweh ay pararangalan. Ibigay sa kanya ang lahat ng parangal, karapat-dapat siya sa papuri ng bayan. Ito ang mga katuruan ng Mangangaral, ang anak ni David na hari ng Israel. “Napakawalang kabuluhan! Napakawalang kabuluhan; lahat ay walang kabuluhan,” sabi ng Mangangaral. Nagpapakapagod ka nang husto sa pagtatrabaho sa mundong ito. Ngunit para saan ba ang mga pagpapagod na ito? Patuloy ang pagpapalit-palit ng mga lahi ngunit hindi nagbabago ang daigdig. Ang araw ay patuloy sa pagsikat at patuloy sa paglubog; pabalik-balik lang sa pinanggalingan. Ang hangin ay umiihip patungong timog, papuntang hilaga, buong araw na paikut-ikot. Lahat ng tubig ay umuuwi sa dagat ngunit hindi ito napupuno. Ang tubig ay bumabalik sa batis na pinagmulan upang muling umagos patungong karagatan. Ang lahat ng bagay ay nakababagot, hindi makayanang ipaliwanag. Walang sawa ang paningin ng tao; walang tigil ang kanyang pakinig. Ang naganap noon ay nangyayari rin ngayon. Ang mga nagawa noon ay nagagawa rin ngayon; walang bagong pangyayari sa mundong ito. Ang sabi ng iba, “Halikayo! Ito'y bago.” Ngunit naganap na iyon noong di pa tayo tao. Hindi na maalala ang mga nauna. At ang nangyayari ngayon ay malilimutan din sa hinaharap. Ako, ang Mangangaral, ay naging hari ng Israel. Siniyasat ko at pinag-aralang mabuti ang lahat ng bagay sa buong mundo. At nakita kong ang tao'y itinalaga ng Diyos sa matinding paghihirap. Nakita kong ang lahat ng gawa ng tao sa mundong ito ay walang kabuluhan; ito'y tulad lang ng paghahabol sa hangin. Hindi na maitutuwid ang baluktot at hindi na maibibilang ang wala. Sinabi ko sa aking sarili, “Ang karunungan ko'y higit sa sinundan kong mga hari ng Jerusalem. Alam ko kung ano ang tunay na karunungan at kaalaman.” Pinag-aralan kong mabuti ang pagkakaiba ng karunungan at ng kamangmangan, ng katalinuhan at ng kabaliwan. Ngunit napatunayan kong ito rin ay tulad lang ng paghahabol sa hangin. Habang lumalawak ang karunungan ay dumarami ang alalahanin, at habang dumarami ang nalalaman ay lalong tumitindi ang kapighatian. Sinabi ko sa aking sarili, “Halika, subukan mo kung ano ang kahulugan ng kaligayahan; magpakasaya ka!” Subalit ito man ay walang kabuluhan. Ang halakhak ay ipinalagay kong kahangalan at ang kaligayahan ay walang kabuluhan. Sa pagnanasa kong makamit ang karunungan, ipinasya kong magpakalasing sa alak. Sa loob-loob ko'y ito na ang pinakamainam na dapat gawin ng tao sa maikling panahong ilalagi niya sa mundong ito. Nakagawa ako ng mga dakilang bagay. Nakapagpatayo ako ng malalaking bahay at ginawa kong ubasan ang paligid nito. Gumawa ako para sa aking sarili ng mga hardin at liwasan. Tinamnan ko ito ng lahat ng uri ng punongkahoy na mapapakinabangan ang bunga. Humukay ako ng mga balon na pagkukunan ng pandilig sa mga pananim na ito. Bumili ako ng mga aliping babae at lalaki. Ang mga alipin ko'y nagkaanak na sa aking tahanan. Ang kawan ko'y ubod ng dami, walang kasindami kung ihahalintulad sa kawan ng mga haring nauna sa akin. Nakaipon ako ng napakaraming pilak at ginto mula sa mga lupaing nasasakupan ko. Marami akong mang-aawit na babae't lalaki. Marami akong asawa at pawang magaganda. Wala nang hahanapin pa ang isang lalaki, lalo na kung tungkol din lang sa babae. Higit akong dinakila kaysa sinumang haring nauna sa akin. Taglay ko pa rin ang aking karunungan. Wala akong ginustong hindi ko nakuha. Ginagawa ko ang lahat ng aking magustuhan. Nalulugod ako sa aking mga ginagawa at iyon ang pinakagantimpala ng aking mga pinagpaguran. Pagkatapos, inisip kong mabuti ang mga ginawa ko at ang pagod na aking pinuhunan. Nakita kong ang lahat ay pawang walang kabuluhan; tulad lang ito ng paghahabol sa hangin. Naisip kong ang wakas ng isang hari ay tulad lamang ng sa mga nauna sa kanya. Tinimbang kong mabuti ang karunungan, ang kabaliwan at kamangmangan. Napatunayan kong mas mabuti ang karunungan kaysa kamangmangan, tulad ng kabutihan ng liwanag kaysa kadiliman. Nalalaman ng marunong ang kanyang patutunguhan ngunit hindi alam ng mangmang ang kanyang hangganan. Ngunit nabatid ko ring iisa ang hantungan ng lahat. Sinabi ko sa aking sarili, “Ang sinapit ng mangmang ay siya mo ring sasapitin. Ano nga ba ang napala mo sa labis na pagpapakarunong?” At naisip kong ito man ay wala ring kabuluhan. Pagkat kung paanong ang mangmang ay nalilimutan pagdating ng araw, gayon din ang lahat ay mamamatay, maging ang marunong man, o ang mangmang. Kaya't kinamuhian ko ang buhay sapagkat pawang kahirapan lamang ang idinulot nito sa akin. Lahat nga ay walang kabuluhan, at tulad lang ito ng paghahabol sa hangin. Wala na ring halaga sa akin ang lahat ng pinagpaguran ko sa mundong ito sapagkat ito'y maiiwan lamang sa susunod sa akin. At sino ang nakakatiyak kung siya'y marunong o mangmang? Gayunman, siya pa rin ang magmamana sa lahat ng mga pinagpaguran ko at ginamitan ng karunungan sa mundong ito. Ito ma'y walang kabuluhan. Kaya nga, nanghihinayang ako pagkat ako ay nagpakapagod nang husto sa mundong ito. Lahat ng pinagpaguran ng tao'y pinamuhunan niya ng karunungan, kaalaman at kakayahan ngunit pagdating ng araw ay iba ang magpapakasaya sa mga pinagpaguran niya. Ito ay walang kabuluhan, at ito'y hindi tama. Nagpapakapagod at nagpapakahirap nang husto sa mundong ito ang isang tao, ngunit para saan ba ang pagpapagod na ito? Anumang gawin ng tao'y nagdudulot sa kanya ng balisa at hinanakit. May mga gabi pang hindi siya makatulog sa pag-iisip. Ito man ay walang kabuluhan. Ang mabuti pa sa tao'y kumain at uminom, at pakinabangan ang bunga ng kanyang pinagpaguran. Alam kong ang lahat ng ito ay kaloob ng Diyos. Kung wala ang Diyos, sino pa ba ang makakakain o makakaranas ng kasiyahan? Ang karunungan, kaalaman, at kaligayahan ay ipinagkakaloob ng Diyos sa lahat ng kinalulugdan niya. Ang makasalana'y pinagtatrabaho niya at pinag-iimpok upang ibigay lamang ito sa gusto niyang pagbigyan. Ito man ay walang kabuluhan, tulad lang ng paghahabol sa hangin. Ang lahat sa mundong ito ay may kanya-kanyang panahon, may kanya-kanyang oras. Ang panahon ng pagsilang at panahon ng pagkamatay; ang panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbunot ng tanim. Ang panahon ng pagpatay at panahon ng pagpapagaling; ang panahon ng paggiba at panahon ng pagtatayo. Ang panahon ng pagluha at panahon ng pagtawa; ang panahon ng pagluluksa at panahon ng pagdiriwang. Ang panahon ng pagkakalat ng mga bato at panahon ng pagtitipon sa mga ito; ang panahon ng pagyayakap at panahon ng paglalayo. Ang panahon ng paghahanap at panahon ng pagkawala niyon; ang panahon ng pag-iingat sa isang bagay at panahon ng pagtatapon. Ang panahon ng pagpunit at panahon ng pagtahi; ang panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita. Ang panahon ng pagmamahal at panahon ng pagkapoot; ang panahon ng digmaan at panahon ng kapayapaan. Ano ang mapapala ng tao sa kanyang pinagpaguran? Alam ko na ang itinakda ng Diyos sa tao. Iniangkop niya ang lahat ng bagay sa tamang kapanahunan. Ang tao'y binigyan niya ng pagnanasang alamin ang bukas ngunit hindi binigyan ng pagkaunawa sa ginawa ng Diyos mula sa pasimula hanggang sa wakas. Alam kong walang pinakamabuti sa tao kundi magpakaligaya at gawin ang pinakamabuti habang siya'y nabubuhay. Alam ko ring kaloob ng Diyos na ang tao'y kumain, uminom at pakinabangan ang bunga ng kanyang pinagpaguran. Alam kong mamamalagi ang lahat ng ginawa ng Diyos: wala nang kailangang idagdag, wala ring dapat bawasin. Gayon ang ginawa ng Diyos upang ang tao'y magkaroon ng takot sa kanya. Lahat ng nangyayari ngayon ay nangyari na noong una, gayon din ang magaganap pa. Paulit-ulit lamang ang mga pangyayari. Nakita ko rin sa mundong ito na ang katarungan at pagiging matuwid ay nababahiran pa rin ng kasamaan. Sa loob-loob ko'y hahatulan ng Diyos ang masama at ang mabuti pagkat may itinakda siyang panahon para sa lahat ng bagay. Tungkol sa tao, naisip kong sila ay sinusubok ng Diyos upang ipakilalang ang tao ay tulad lamang ng mga hayop. Ang hantungan ng tao at ng hayop ay iisa; lahat ay mamamatay. Ang tao'y walang kaibahan sa hayop, sapagkat ang lahat ay walang kabuluhan. Iisa ang kauuwian: lahat ay buhat sa alabok at sa alabok din uuwi. Sino ang nakakatiyak kung ang kaluluwa ng tao ay aakyat sa itaas at ang kaluluwa ng hayop ay mahuhulog sa kalaliman? Kaya naisip kong walang pinakamabuti sa tao kundi pakinabangan ang kanyang pinagpaguran; ito ang ating bahagi. At sino ang makakapagsabi sa kanya kung ano ang mangyayari pagkamatay niya? Iginala ko ang aking paningin sa buong daigdig, at nakita ko ang kawalan ng katarungan. Ang mga inaapi ay lumuluha ngunit walang tumulong sa kanila sapagkat makapangyarihan ang sumisiil sa kanila. Dahil dito, naisip kong mas mapalad ang mga patay kaysa sa mga buháy. Ngunit higit na mapalad ang mga hindi na isinilang sapagkat hindi na nila nakita ang kasamaan sa mundong ito. Nakita ko ring ang tao'y nagpapakapagod upang mahigitan ang kanyang kapwa. Ngunit ito man ay walang kabuluhan, tulad lang ng paghahabol sa hangin. Sinasabi nilang mangmang lamang ang maghahalukipkip ng kamay at magpapakamatay sa gutom. Ngunit mas mabuti pa ang isang dakot na may katahimikan, kaysa dalawang dakot ng pagpapakapagod, at paghahabol sa hangin. Mayroon pang ibang mga bagay sa mundong ito na nakita kong walang kabuluhan: ang isang taong nag-iisa sa buhay, walang kaibigan ni kamag-anak ngunit walang tigil sa pagtatrabaho. Wala siyang kasiyahan. Ni hindi niya itinatanong sa sarili kung kanino mauuwi ang kanyang pinagpaguran. Ito man ay walang kabuluhan, isang miserableng pamumuhay. Ang dalawa ay mabuti kaysa isa; mas marami ang bunga ng anumang gagawin nila. Kapag nabuwal ang isa, maitatayo siya ng kanyang kasama. Kawawa ang nag-iisa sapagkat walang tutulong sa kanya kapag siya ay nabuwal. Kung malamig ang panahon, maaari silang magtabi sa higaan upang parehong mainitan. Ngunit saan siya kukuha ng init kung nag-iisa siya? Kung ang nag-iisa'y maaaring magtagumpay laban sa isa, lalo na ang dalawa. Ang lubid na may tatlong pilipit na hibla ay hindi agad malalagot. Ang isang batang mahirap ngunit matalino ay mabuting di hamak kaysa sa isang matandang haring mangmang na ayaw nang tumanggap ng payo. Ang batang iyon ay maaaring maging hari mula sa bilangguan o kahit siya'y ipinanganak na mahirap. Nakita ko rin na ang lahat ng tao sa mundong ito'y sumusunod sa isang kabataang papalit sa hari. Walang tigil ang pagdami ng taong nasasakupan ng isang hari ngunit pagkamatay niya, isa man ay walang pupuri sa lahat ng kanyang nagawa. Ito man ay walang kabuluhan, tulad lang ng paghahabol sa hangin. Mag-ingat ka sa pagpasok sa bahay ng Diyos. Ang pagsunod ay mabuti kaysa handog ng isang mangmang sapagkat hindi alam ng mangmang kung ano ang mabuti't masama. Huwag kang pabigla-bigla sa pananalangin. Isipin mo munang mabuti ang ipapangako mo sa kanya sapagkat nasa langit siya at ikaw ay nasa lupa. Mag-ingat ka sa pagsasalita. Ang panaginip ay bunga ng maraming alalahanin. Habang dumarami ang iyong sinasabi, lalong nanganganib na makapagsabi ka ng kamangmangan. Kung mangangako ka sa Diyos, tuparin ito agad; hindi siya nalulugod sa taong mangmang. Kaya tuparin mo ang iyong pangako sa kanya. Mabuti pang huwag ka nang mangako kaysa mangangako at hindi mo tutuparin. Huwag mong pabayaang magkasala ka dahil sa iyong pananalita, mangangako ka at pagkatapos ay babawiin mo. Sa ganyan galit na galit ang Diyos. Kung magkagayon, hindi ka niya pagpapalain sa anumang iyong ginagawa. Kaya, gaano man kadalas ang iyong panaginip, gaano man karami ang walang kabuluhan mong salita at gawa, magkaroon ka ng takot sa Diyos. Huwag kang magtataka kung makita mong ang mahihirap ay inaapi ng mga nasa kapangyarihan. Alalahanin mong ganoon din ang ginagawa ng nakatataas sa kanila at bawat pinuno ay may nakasasakop ding mas mataas na pinuno. Sa isang lupaing puno ng kasaganaan, ang hari ang may pinakamainam na kalagayan. Ang gahaman sa salapi ay walang kasiyahan at ang sakim sa kayamanan ay hindi masisiyahan sa kaunting pakinabang. Ngunit ito man ay walang kabuluhan. Habang lumalaki ang kayamanan, dumarami ang pangangailangan at ang tanging kasiyahan ng may-ari ay ang isiping siya ay mayaman. Mahimbing ang tulog ng isang manggagawa, marami man o kaunti ang kanyang pagkain. Ngunit ang mayaman ay hindi man lamang dalawin ng antok. Ito ang isang nakakalungkot na pangyayari na nakita ko sa mundong ito: ang tao'y nag-iimpok para sa kinabukasan. Ngunit nauubos din sa masamang paraan kaya wala rin siyang maiiwan sa kanyang sambahayan. Kung paanong tayo'y walang dala nang isilang dito sa daigdig, wala rin tayong madadala pagpanaw natin. Wala tayong madadalang anuman sa ating pinagpaguran. Narito pa ang isang mahirap isipin: kung ano ang ayos nang tayo'y dumating, gayon din ang ayos sa ating pag-alis. Nagpapakapagod tayo ngunit wala ring napapala. Bukod dito, ang buhay natin ay laging may alinlangan; puno ng pagkabalisa, hinagpis, galit at karamdaman. Ito ang isang mabuting bagay na aking nakita: nararapat lamang na kumain, uminom, at pakinabangan ng isang tao ang bunga ng kanyang pinagpaguran sa mundong ito, sa maikling panahong ibinigay sa kanya ng Diyos; ito ang ating bahagi. Ganoon din ang dapat gawin ng lahat ng niloob ng Diyos na yumaman: tanggapin ang kanilang bahagi at pakinabangan ang bunga ng kanyang pinagpaguran sapagkat ito ay kaloob ng Diyos. Sa gayon, hindi siya malulungkot kahit na maikli ang buhay niya sa daigdig sapagkat puno naman ito ng kasiyahan. Narito ang isang kawalan ng katarungan na nagaganap sa mundo: Isang tao na binigyan ng Diyos ng malaking kayamanan, maraming ari-arian, at karangalan. Sa kasawiang-palad, hindi niloob ng Diyos na tamasahin niya ang kasiyahang dulot ng mga bagay na ito; bagkus ay iba ang nakinabang. Ito man ay walang kabuluhan at nagdudulot lamang ng sama ng loob. Mabuti pang di hamak ang sanggol na ipinanganak na patay kaysa isang taong nagkaanak ng 100 at nabuhay nang matagal ngunit hindi naranasan ang maging masaya at hindi pinarangalan nang siya ay ilibing. Wala ring kabuluhang matatamo ang isang sanggol kahit siya ipanganak sapagkat mamamatay din siya at malilimutan. Hindi nito nakita ang araw ni natikman ang mabuhay, ngunit mayroon naman siyang ganap na kapayapaan. Kaya mabuti pa siya nang hindi hamak kaysa isang taong nabuhay nang 2,000 taon ngunit di nakaranas ng kasiyahan. Hindi ba't iisa lang ang uuwian ng lahat? Nagpapakapagod ang tao para sa kanyang tiyan ngunit kailanma'y di siya nagkaroon ng kasiyahan. Ano ang kahigtan ng matalino sa mangmang? Ano ang mapapala ng isang mahirap kahit malaman niya ang pasikut-sikot ng buhay? Mabuti pa ay masiyahan sa anumang kalagayan kaysa mangarap nang di naman makakamtan. Ito man ay walang kabuluhan, tulad ng paghahabol sa hangin. Lahat ng nangyayari sa daigdig ay alam na noong una pa, at ang tao'y di makapananaig laban sa kapangyarihang higit sa kanya. Habang humahaba ang pagtatalo, lalo lang nawawalan ng kabuluhan; kaya paano masasabing nakahihigit ang isang tao sa kapwa? Sino ang nakaaalam kung ano ang mabuti sa taong nabubuhay sa maikling panahon at pagkatapos ay mawawalang tulad ng anino? Sino ang makakapagsabi kung ano ang mangyayari pagkamatay niya? Ang mabuting pangalan ay mas mahalaga kaysa mamahaling pabango; at ang araw ng kamatayan ay higit na mabuti kaysa araw ng kapanganakan. Mas mabuting pumunta sa bahay ng namatayan kaysa bahay na may handaan, pagkat dapat alalahanin ng buháy na siya man ay nakatakda ring mamatay. Ang kalungkutan ay mas mabuti kaysa katuwaan, pagkat maaaring malungkot ang mukha ngunit masaya ang kalooban. Mangmang ang isang taong nag-iisip ng kasayahan, ngunit matalino ang isang taong naghahanda para sa kanyang kamatayan. Mas mabuting makarinig ng saway ng matalino kaysa isang mangmang ang pupuri sa iyo. Ang halakhak ng mangmang ay tulad ng siklab ng apoy, walang kabuluhan. Ang matalinong nandadaya ay para na ring mangmang. Ang suhol ay sumisira sa dangal ng tao. Ang wakas ng isang bagay ay mas mainam kaysa pasimula. Ang pagtitiyaga ay mabuti kaysa kapalaluan. Pag-aralan mong magpigil sa sarili; mangmang lamang ang nagtatanim ng galit. Huwag mong itatanong kung bakit mabuti noong araw kaysa ngayon, pagkat iya'y tanong na walang katuturan. Ang taong nagtataglay ng karunungan ay higit na mainam kaysa minamanang kayamanan. Ang tulong na magagawa ng karunungan sa tao ay tulad ng magagawa ng salapi. Ang tao'y maililigtas ng kanyang karunungan, at ito ang kabutihan ng kaalaman. Pag-isipan mong mabuti ang ginawa ng Diyos. Sino ang makapagtutuwid sa binaluktot niya? Magalak ka kung mainam ang takbo ng lahat ng bagay. Sa panahon ng kahirapan ay isipin mong parehong ipinadadala ng Diyos ang kaligayahan at kahirapan. Sino ang nakakaalam kung ano ang mangyayari bukas? Sa loob ng maikling panahon ng aking pamumuhay, nakita ko ang lahat ng bagay. Nakita kong ang tao'y namamatay kahit siya mabuti, at may masamang nabubuhay nang matagal. Huwag kayong magpapakabuti o magpapakatalino nang labis. Bakit mo pahihirapan ang iyong sarili? Ngunit huwag ka rin namang magpapakasama ni magpapakamangmang at baka mamatay ka nang wala sa panahon. Huwag kang magpapakalabis ng kabutihan o kasamaan. Sa anumang kalagayan mo, magtatagumpay ka kung may takot ka sa Diyos. Higit ang magagawa ng karunungan ng isang tao, kaysa magagawa ng sampung hari sa isang lunsod. Walang taong nabuhay sa daigdig na gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala. Huwag mong pakinggan ang lahat ng sasabihin sa iyo ng tao at baka kalaunan ay mismong alila mo ang humamak sa iyo; sapagkat alam mo sa iyong sarili kung gaano na karami ang iyong hinamak. Sa lahat ng bagay ay sinubok ko ang karunungan sa pag-aakalang ako'y matalino ngunit napatunayan kong hindi pala. Hindi natin matatarok ang kahulugan ng buhay. Napakahiwaga nito para natin maunawaan. Gayunpama'y nagpatuloy ako sa pagdidili-dili. Nagsuri akong mabuti at mataman kong siniyasat ang dahilan ng lahat ng bagay. Nalaman kong kamangmangan ang magpakasama at walang kabuluhan ang magpakamangmang. Natuklasan ko ang isang bagay na mas mapait kaysa kamatayan: ito'y walang iba kundi ang babae. Ang kanyang pag-ibig ay tulad ng bitag, at ang kanyang mga bisig ay tulad ng tanikala. Ang taong matuwid ay nakakaiwas rito ngunit naaalipin ang mga masama. Sinabi ng Mangangaral, “Pinag-ugnay-ugnay ko ang lahat ng bagay at ito ang aking natuklasan. Pagkatapos ng mataman ngunit bigong pagsisiyasat, natuklasan kong sa 1,000 lalaki, isa lamang ang matalino, at sa 1,000 babae, walang matalino kahit isa. Ito lamang ang natitiyak ko: ang tao'y nilikha ng Diyos sa kabutihan, ngunit ang tao'y nag-iisip ng kung anu-anong bagay.” Sino ang ipapantay sa taong matalino na nakakasaliksik sa lahat ng bagay? Ang karunungan ay nagpapasaya sa mukha ng tao; pati ang matigas na anyo ng mukha ay nawawala. Sundin mo ang utos ng hari, at huwag padalus-dalos sa pagbibitaw ng pangako sa Diyos. Lumayo ka sa harap ng hari at huwag mong ipagpipilitan ang anumang labag sa kalooban niya sapagkat maaari niyang gawin ang lahat ng magustuhan niya. Ang utos ng hari ay di mababali at walang makakatutol sa anumang gawin niya. Ang masunurin ay di mapapahamak at alam ng matalino kung ano ang dapat gawin, kung kailan, at kung paano dapat isagawa. May kanya-kanyang panahon at paraan para sa lahat ng bagay ngunit di natin ito lubusang nalalaman. Walang makakapagsabi kung ano ang maaaring mangyari at kung paano ito magaganap. Kung paanong di mapipigil ng tao ang hangin, gayon din hindi niya mapipigil ang pagdating ng kamatayan. Sa panahon ng digmaan, walang mapagtataguan; hindi tayo makakatakas. Lahat ng ito'y nakita ko habang pinagmamasdan ang mga pangyayari sa buong mundo, ang iba'y may kapangyarihan, at ang iba naman ay api-apihan. May nakita akong masasamang taong inilibing ngunit pag-uwi ng mga nakipaglibing ang masamang yaon ay pinupuri sa lugar na ginawan niya ng kasamaan. Ito man ay walang kabuluhan. Ang hatol sa kasamaan ay di agad iginagawad kaya naman ang tao'y nawiwili sa paggawa ng masama. Kung sabagay, daan-daan man ang kasamaang gawin ng masama ay wala ring mawawala sa taong nabubuhay nang matuwid pagkat siya'y may takot sa Diyos. Ngunit ang kasamaan ng masama ay di makakabuti sa kanya; mamumuhay silang parang anino at maaga silang mamamatay sapagkat hindi sila natatakot sa Diyos. Narito pa ang isang bagay sa ibabaw ng lupa na walang kabuluhan: ang kaparusahang para sana sa masama ay sa mabuti nangyayari at ang dapat namang mangyari sa mabuti ay sa masama nangyayari. Sa palagay ko, ito man ay walang kabuluhan. Kaya para sa akin, ang tao'y dapat magpakasaya sa buhay. Walang pinakamabuti kundi kumain, uminom at magsaya. Ito ay magagawa niya habang siya'y nabubuhay at nagpapakapagod sa mundong ito. Habang iniisip ko ang mga pangyayari sa daigdig, lalo akong naniniwalang kahit mag-isip nang mag-isip ang tao araw-gabi, hindi niya mauunawaan ang mga gawa ng Diyos. Kahit ano pa ang kanyang pagpaguran sa mundong ito, hindi niya ito mauunawaan. Maaaring ipalagay ng matalino na alam niya ang bagay na ito ngunit ang totoo'y wala siyang nalalaman. Ang lahat ng ito'y pinag-aralan kong mabuti at nalaman kong lahat ng kilos ng matuwid at ng matalino ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos, maging pag-ibig o pagkapoot. Walang makakatiyak kung ano ang mangyayari sa araw ng bukas. Iisa ang kasasapitan ng lahat: ang nangyayari sa matuwid ay nangyayari rin sa di-matuwid, ganoon din sa mabuti at sa masama, sa malinis at sa marumi ayon sa Kautusan, sa naghahandog at sa hindi naghahandog. Ang nangyayari nga sa mabuti ay siya ring nangyayari sa masama. Walang pagkakaiba ang nangyayari sa marunong tumupad sa pangako at sa sumisira sa pangako. Ito nga ang isang masamang bagay na nangyayari sa buong mundo: iisa ang kinasasapitan ng lahat. Habang ang tao'y nabubuhay, panay kasamaan ang kanyang iniisip, at ang hantungan ay kamatayan. Ngunit habang nabubuhay ang tao ay di siya dapat mawalan ng pag-asa. Ang asong buháy ay mas mainam kaysa patay na leon. Alam ng buháy na siya'y mamamatay ngunit ang patay ay walang anumang nalalaman. Wala na silang pag-asa, at nakakalimutan nang lubusan. Nawawala pati kanilang pag-ibig, pagkapoot, at pagkainggit; anupa't wala silang namamalayan sa anumang nangyayari sa mundo. Sige, magpakasaya ka sa pagkain at pag-inom sapagkat iyon ay itinakda ng Diyos para sa iyo. Nawa'y lumigaya ka sa bawat oras. Magpakaligaya ka sa piling ng babaing iyong minamahal habang ikaw ay nabubuhay sa mundong ito sapagkat iyon ang iyong bahagi at bunga ng iyong pinagpaguran sa maikling buhay na ito. Anuman ang ginagawa mo'y pagbuhusan mo ng iyong buong makakaya sapagkat sa daigdig ng mga patay na kasasadlakan mo ay wala kang gagawin, ni pag-iisipan man, ni pagbubuhusan ng kaalaman o karunungan. Ito pa ang isang bagay na napansin ko sa mundong ito: ang mabilis ay di siyang laging nananalo sa takbuhan ni ang malakas ay laging nagwawagi sa digmaan. Ang matatalino'y di laging nakakasumpong ng kanyang mga kailangan at di lahat ng marunong ay yumayaman. Napapansin ko rin na di lahat ng may kakayahan ay nagtatagumpay; lahat ay dinaratnan ng malas. Hindi alam ng tao kung kailan ang kanyang takdang oras. Siya'y tulad ng isdang nasusukluban ng lambat, at ibong nahuhuli sa bitag. Ang tao'y parang nahuhulog sa patibong sa biglang pagdating ng masamang pagkakataon. Narito pa ang isang halimbawa kung papaanong ang karunungan ay inuunawa sa mundong ito: Mayroong isang maliit na bayan na kakaunti ang mamamayan. Kinubkob ito ng isang hari. Nagpahanda siya ng lahat ng kailangan sa pagsalakay. Nagkataon na sa bayang yaon ay may isang mahirap ngunit matalinong tao na nakapag-isip ng paraan upang mailigtas ang nasabing bayan. Subalit pagkatapos, wala nang nakaalala sa kanya. Ang sinasabi ko, makapangyarihan ang karunungan kaysa lakas. Ngunit ang karunungan ng taong mahirap ay hindi pinahahalagahan at ang mga salita nito ay hindi pinapansin. Ang mahinang salita ng matalino ay mas may pakinabang kaysa sigaw ng hari sa gitna ng mga mangmang. Ang karunungan ay makapangyarihan kaysa sandata ngunit ang isang pagkakamali ay nagbubunga ng malaking pinsala. Ang isang boteng pabango ay mapababaho ng isang patay na langaw. Ang bahagyang kamangmangan ay nakakasira sa karunungan at karangalan. Ang matalino'y inaakay ng kanyang isipan tungo sa kabutihan. Ngunit ang mangmang ay hinihila ng kanyang damdamin tungo sa kasamaan. Maging sa paglalakad ng mangmang ay nahahalata ang kanyang kahangalan. Nakikilala ng lahat na siya ay mangmang. Kung ang pinuno mo'y magalit sa iyo, huwag kang magbibitiw sa iyong tungkulin, sapagkat maging ang malaking pagkakamali ay mapapatawad kung ikaw ay magiging mahinahon. Ito pa ang isang di-makatuwirang nangyayari sa buong mundo, na may kinalaman sa pamumuno: Ang mga mangmang ay inilalagay sa matataas na tungkulin ngunit ang mayaman ay sa mababang uri ng gawain. Nakakita ako ng mga aliping nakasakay sa kabayo samantalang ang mga pinuno ay naglalakad. Ang nag-uumang ng bitag ay siya ring mahuhuli roon; ang lumulusot sa mga pader ay matutuklaw ng ahas. Ang nagtitibag ng bato ay malamang na mabagsakan nito. Ang nagpuputol ng troso ay nanganganib na madaganan niyon. Ang palakol ay pumupurol kapag hindi hinahasa. Ang mahusay na plano ay nakakatulong nang malaki sa pagtatagumpay. Walang kabuluhan ang kapangyarihan ng nagpapaamo ng ahas kung hindi gagamitin sa pagsaway nito. Ang mga salita ng matalino ay nag-aani ng karangalan, ngunit napapahamak ang mangmang dahil sa kanyang mga salita. Ang pangungusap ng mangmang ay nag-uumpisa sa kamangmangan, hanggang matapos, ito pa ri'y kamangmangan. Ang mangmang ay walang tigil sa pagyayabang. Ngunit sinong makakapagsabi ng susunod na pangyayari at ng magaganap kapag siya ay patay na? Ang pagpapagod ng mangmang ang nagpapahina sa kanya, at hindi man lamang niya alam ang daan papunta sa bayan niya. Kawawa ang lupain na ang hari'y isip bata, at ang mga pinuno'y mahilig sa handaan. Ngunit mapalad ang lupain na may haring matino at may mga pinunong nakakaalam kung kailan dapat magdiwang. Kung pabaya ang may-ari, ang bubong ay masisira; kung siya ay tamad, mawawasak ang buong bahay. Ang pagkain ay nagdudulot ng kasiyahan, at nagpapasaya sa buhay ang inumin. Ito'y mabibiling lahat ng salapi. Ni sa isip ay huwag susumpain ang inyong hari, ni sa pag-iisa'y huwag hamakin ang mayayaman pagkat may pakpak ang balita at may tainga ang lupa. Maghagis ka ng tinapay sa gitna ng karagatan at may mapapakinabangan ka pagdating ng araw. Hatiin sa pito, sa walo ang kalakal mo pagkat di mo masisiguro kung ano ang kasamaang mangyayari sa mundo. Kapag ang ulap ay maitim na't di makaya ang hangin, nagiging ulan itong bumubuhos sa daigdig. Kung saan nakahapay ang punongkahoy ay doon ito mabubuwal. Ang naghihintay sa pagtigil ng hangin ay di-kailanman makapaghahasik ng kanyang binhi. At ang nag-aalala sa patak ng ulan ay di makapag-aani. Kung hindi mo maaaring malaman kung paanong ang hininga ay pumapasok sa katawan ng isang sanggol na nasa sinapupunan ng kanyang ina, lalong hindi maaabot ng isip mo kung paano ginagawa ng Diyos ang lahat ng bagay. Sa umaga, inihahasik mo ang iyong binhi. Hindi ka tumitigil sa paggawa hanggang gabi sapagkat di mo tiyak kung alin ang magbibigay sa iyo ng tagumpay. O kaya'y umaasa kang lahat ay iyong papakinabangan. Masarap ang nasa liwanag at kay gandang pagmasdan ang araw. Kung ang tao'y mabubuhay nang matagal, dapat niyang ikagalak iyon. Ngunit alalahanin niyang ang darating na panahon ng kadiliman ay mas mahaba. Lahat ng mangyayari ay walang kabuluhan. Magalak ka binata sa panahon ng iyong kabataan. Gawin mo ang gusto mo at lahat ng kaakit-akit sa paningin mo. Ngunit tandaan mong ang lahat ng ito'y iyong ipagsusulit sa Diyos. Iwaksi mo ang alalahanin at mga kabalisahan; ang kabataan at kasibulan ay pawang walang kabuluhan. Alalahanin mo ang iyong Manlilikha sa panahon ng iyong kabataan bago dumating ang mga araw at taon na puno ng kaguluhan, panahong hindi mo na madama ang tamis ng mabuhay. Alalahanin mo ang Diyos bago makubli ang sikat ng araw, bago magdilim ang buwan at mga bituin, bago ka matabunan ng makapal at madilim na ulap. Alalahanin mo siya bago humina ang iyong katawan, bago manghina ang iyong mga bisig, bago mawalan ng lakas ang iyong mga tuhod. Alalahanin mo siya bago mabungi ang iyong mga ngipin at bago lumabo ang iyong mga mata. Alalahanin mo nga siya bago dumating ang panahon na sarado na ang mga pintuan at tumigil na ang tunog ng gilingan; bago dumating ang panahon na madali kang magising sa himig ng mga ibon, o ang tunog ng awitin ay tuluyan ng tumigil. Alalahanin mo siya bago dumating ang panahong katatakutan mong umakyat sa mataas na lugar, bago dumating ang panahong di ka na makalakad na mag-isa, bago pumuti ang iyong buhok, at lipasan ng pagnanasang sumiping sa minamahal. Darating ang araw na tayo'y pupunta sa huli nating hantungan at marami ang tatangis sa lansangan. Darating ang araw na malalagot ang tanikalang pilak na nagdadala sa ilawang ginto; babagsak ito at madudurog. Darating din ang araw na malalagot ang tali ng timba at ito'y babagsak at masisira. Alalahanin mo siya bago manumbalik sa alabok ang ating katawang lupa at ang ating hininga ay magbalik sa Diyos na may bigay nito. “Napakawalang kabuluhan! Lahat ay napakawalang kabuluhan,” sabi ng Mangangaral. Lahat ng nalalaman ng Mangangaral ay itinuro niya sa mga tao. Pinag-aralan niyang mabuti ang mga kasabihan at sinubok kung ito'y totoo. Pinipili niya ang mga salitang magdudulot ng kasiyahan at isinusulat ang katotohanan. Ang mga salita ng matalino ay matulis na tulad ng tungkod na pantaboy ng kawan, tulad ng matulis na pakong nakabaon pagkat buhat sa tanging pastol nating lahat. Anak ko, mag-ingat ka sa mga bagay na wala rito. Hindi matitigil ang paggawa ng iba't ibang aklat, at ang labis na pag-aaral ay pahirap sa katawan. Sa kabila ng lahat ng ito, isa lamang ang aking masasabi: Matakot ka sa Diyos at sundin mo ang kanyang mga utos sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao. Lahat ng gawin natin, hayag man o lihim, mabuti o masama ay ipagsusulit natin sa Diyos. Ito ang pinakamagandang awit ni Solomon: Akong ito'y pinupupog, sinisiil mo ng halik; ang dulot ng pag-ibig mo'y mainam pa sa alak. Ang taglay mong halimuyak, saan kaya itutulad? Simbango ng pangalan mong ang samyo'y malaganap, kaya lahat ng dalaga ay iyo ngang nabibihag. Ako ngayon ay narito, isama mo kahit saan, at ako ay iyong dalhin sa silid mong pahingahan. Tiyak akong liligaya ngayong ikaw ay narito, ang nais ko ay madama ang alab ng pag-ibig mo; pagsinta mo'y mas gusto ko kaysa alinmang inumin; hindi ako nagkamali na ikaw nga ang ibigin. Dalaga sa Jerusalem, ang ganda ko'y kayumanggi; katulad ko'y mga toldang sa Kedar pa niyayari, tulad ko ri'y mga tabing sa palasyo ng hari. Huwag akong hahamakin nang dahil sa aking kulay, pagkat itong aking balat ay nasunog lang sa araw. Itong mga kapatid ko'y hindi ako kinalugdan, nagkaisa silang ako'y pagbantayin ng ubasan. Pinagyama't sininop ko ang nasabing pataniman, anupa't ang sarili ay kusa kong napabayaan. Itong aking pakiusap, O giliw kong minamahal, sa akin ay sabihin mo, pastulan ng iyong kawan; sa init ng katanghalian, pahingahan nila'y saan? Sa akin ay ituro mo nang ako ay di maligaw. Kung nais mong malaman, O babaing napakaganda, ang dapat lang na gawin mo ay sundan ang mga tupa. Ang kawan ng mga kambing ay doon mo alagaan sa tabi ng mga tolda ng pastol ng aking kawan. Saan ko ba itutulad ang gayuma mo, aking hirang? Sa kabayo ng Faraon, anong ganda kung pagmasdan! Mga pisnging malalambot, may balani, may pang-akit, na lalo pang pinaganda ng pahiyas na naglawit. Ang nililok na leeg mo, kung masdan ko'y anong rikit, lalo na nga kung may kuwintas na doon ay nakasabit. Ika'y aming igagawa ng kuwintas na gintong lantay, palamuting ikakabit ay pilak na dinalisay. Habang siya'y nakahimlay, tila hari ang katulad, ako nama'y magsasabog ng mabangong halimuyak. Ang samyo ng aking mahal ay katulad nitong mira, habang siya sa dibdib ko'y nakahilig na masaya. Ang kawangis ng mahal ko'y isang kumpol ng bulaklak sa ubasan ng En-gedi, magiliw kong pinamitas. Maganda ka, aking sinta, ang mata mo'y mapupungay, nagniningning, nang-aakit habang aking minamasdan. Makisig ka, aking mahal, anong kisig, anong inam, magiging himlayan nati'y laging kulay na luntian. At sedar ang siyang biga nitong ating tatahanan, mga kisame ay pinong pili, kahoy na talagang maiinam. Isa lamang akong rosas na sa Saron ay naligaw sa libis nitong bundok, isang ligaw na halaman. Katulad mo'y isang liryo sa gitna ng kasukalan, namumukod ka sa lahat, bukod-tangi, aking hirang. Sa gitna ng kagubatan katulad niya ay mansanas, sa lahat ng mga tao, siya'y walang makatulad; ako'y laging nananabik sa lilim niya'y manatili, ang tamis ng bunga niya kung kanin ko'y anong sarap. Nang ako ay kanyang dalhin sa sagana niyang hapag, sa piling niya'y nadama ko ang pag-ibig niyang tapat. Ako'y kanyang pinakain ng sariwang mga ubas, at magiliw na binusog ng matamis na mansanas; dahil aking puso'y uhaw sa pagsinta mong wagas. Ang kaliwa niyang bisig ang siya kong inuunan, habang ako'y hinahaplos ng kanan niyang kamay. Ipangako n'yo sa akin, mga dalaga sa Jerusalem, sa ngalan ng mga usa't mga hayop na matutulin, ang aming paglalambingan ay di n'yo gagambalain. Ang tinig ng aking mahal ay akin nang naririnig, mga gulod, tinatahak upang ako'y makaniig. Itong aking mangingibig ay tulad ng isang usa, mabilis kung kumilos, ang katawan ay masigla. Sa tabi ng aming pader, naroroon lagi siya, sumisilip sa bintana upang ako ay makita. Ang mahal ko ay nangusap at ganito ang sinabi: Sa akin ay sumama ka, halika na, aking mahal. Lumipas na ang taglamig sa buong lupain at ang tag-ulan ay natapos na rin. Bulaklak sa kaparangan tingna't namumukadkad, ito na nga ang panahon upang tayo ay magsaya, sa bukid, ang mga ibo'y masayang umaawit. Ang mga puno ng igos, hinog na ang bunga, at ang mga punong ubas, sa bulaklak ay hitik na. Tayo na nga aking mahal, sa akin ay sumama ka. Ika'y parang kalapati, nagkukubli sa batuhan, halika at ang ganda mo ay nais kong mapagmasdan, at nang akin ding marinig ang tinig mong ginintuan. Asong-gubat ay hulihin, maninira ng ubasan, baka pumasok sa ating namumulaklak na ubasan. Mangingibig ko ay akin at ako nama'y kanya, sa gitna ng mga liryo, kumakain ang kawan niya. Hanggang dilim ay maparam, ganito ang ginagawa, sa pag-ihip ng amihang umaga ang siyang badya. Magbalik ka, aking sinta magmadali ka, aking mahal tulad ng pagtakbo ng usa sa kaburulan. Gabi-gabi, sa higaan ang mahal ko'y hinahanap, ngunit hindi masumpungan kahit na sa pangarap. Akong ito'y bumabangon, sa lunsod ay naglalakad, ang lansangan sa paligid ay aking ginagalugad; ngunit hindi matagpuan ang sinta kong nililiyag. Sa akin ngang paglalakad, nakita ko'y mga bantay, nagmamanman, naglilibot, sa paligid, sa lansangan. Sa kanila ang tanong ko, “Mahal ko ba ay nasaan?” Nang aking iwan ang nasabing mga tanod, bigla na lang nakita ang mahal kong iniirog. Siya'y aking hinawakan at hindi na binitiwan, hanggang siya'y madala ko sa bahay kong sinilangan. Ipangako ninyo sa akin, mga dalaga sa Jerusalem sa ngalan ng mga usa at hayop na matutulin, ang aming paglalambingan ay di n'yo gagambalain. Ano itong nakikitang nagmumula sa kaparangan? Wari'y pumapailanlang usok ng mira at kamanyang, na ang samyo ay katulad ng pabangong ubod mahal. Dumarating si Solomon, sa trono niya'y nakaupo, ang kasamang mga bantay ay mayroong animnapu, pangunahing mga kawal, matatapang, matipuno. Bawat isa ay may tabak at bihasa sa digmaan, nagbabantay kahit gabi, nakahanda sa paglaban. Ang magandang trono nitong haring si Solomon, pawang yari sa piling kahoy ng Lebanon. Ang lahat ng tukod nito'y nababalutan ng pilak, ang habong naman nito'y may palamuting gintong payak, iyon namang mga kutson, kulay ube ang nakabalot; mga dalaga sa Jerusalem ang humabi at naggayak. Mga dilag nitong Zion, masdan ninyo si Haring Solomon, nagputong ng korona niya ay ang kanyang inang mahal sa oras ng pagdiriwang, sa oras ng kanyang kasal. Kay ganda mo, aking mahal, ang mata mo'y mapupungay! Ang buhok mong anong haba, pagkilos mo'y nagsasayaw parang kawan na naglalaro sa bundok ng Gilead. Ang ngipin mo ay simputi nitong tupang bagong linis, walang bungi kahit isa, maganda ang pagkaparis. Ang labi mo'y pulang-pula katulad ng escarlata, kapag ika'y nangungusap lalo itong gumaganda, aninag sa iyong belo ang pisngi mong namumula. Ang leeg mo'y ubod kinis, may kuwintas na kay inam, parang tore ni David, na ligid ng mga kawal. Parang usang magkaparis ang malusog na dibdib mo, masayang kumakain sa gitna ng mga liryo. Hanggang sa dumating ang bukang-liwayway, hanggang sa mapawi ang pusikit na karimlan, sa dibdib mong ubod bango ako ay hihimlay, pagkat ito ay simbango ng mira at ng kamanyang. Kay ganda mo, aking sinta; kay ganda mo, aking mahal. Wala akong maipintas sa taglay mong kagandahan. Halika na, aking mahal, sa akin ay sumama ka, lisanin na natin ang Lebanon at ang Bundok ng Amana, iwan mo na ang Bundok ng Senir at ng Hermon, ang taguan niyong mga leopardo at mga leon. Aking mahal, aking sinta, ang puso ko ay nabihag, ng mata mong mapang-akit at leeg mo na may kuwintas. Aking mahal, aking sinta, kay tamis ng iyong pag-ibig, alak man na ubod-tamis, sa iyo'y di maipaparis, halimuyak ng bango mo ay walang makakatalo. Ang labi mo, aking hirang, sintamis ng mga pulot, ang dila mo'y waring gatas, ligaya ang siyang dulot, ang bango ng Lebanon ay tila nasa iyong suot. Katulad ng isang hardin itong aking minamahal, na may bakod sa palibot at sarili ang bukal. Halaman ay magaganda, waring hardin ng granada, namumukod, natatangi ang kanyang mga bunga— mahalimuyak ang mga nardo, mababango ang hena. Nardo at safron, mabangong kanela at kalamo, at lahat ng punongkahoy ay may samyo ng insenso, mira, at aloe na pangunahing pabango. Ang tubig na ginagamit na pandilig nitong hardin, ay ang agos ng tubig na sa Lebanon pa nanggagaling. Umihip ka hanging timog, sa hilaga ay gayon din, nang masamyo ko ang bango na buhat sa aking hardin. Hayaang ang aking sinta'y magpunta sa hardin niya, upang pumitas at kumain ng mga bunga. Nasa hardin ako ngayon, aking mahal, aking sinta, at ako ay nangunguha ng balsamo at ng mira. Nilalasap ko ang tamis nitong pulot ng pukyutan, iniinom ko ang gatas at alak na malinamnam. Kumain na at uminom, kayong mga mangingibig, hanggang kayo ay malango sa tamis ng pag-ibig. Kahit na nga sa pangarap kung ako ay natutulog, naririnig ang mahal ko, sa pintua'y kumakatok. “Ako'y iyong papasukin, aking mahal, aking sinta, na tulad ng kalapati, ubod linis at maganda, basang-basa ang ulo ko nitong hamog sa umaga.” Muli pa bang magbibihis, gayong ako'y naghubad na? Akin bang dudumhan muli, nahugasan nang mga paa? Nang hawakan ng mahal ko ang susian nitong pinto, damdamin ko ay sumigla, lumundag ang aking puso. Ako ay bumangon upang siya ay pagbuksan, binasa ko ng mira itong aking mga kamay, at ako ay lumapit sa pinto ng aming bahay. Ngunit nang siya'y pagbuksan ko, hindi ko na inabutan. Hinanap ko nang hinanap ngunit hindi natagpuan. Sa laki ng pananabik na tinig niya'y mapakinggan, tinawag ko nang tinawag ngunit walang kasagutan. Ang mahal ko ay hinanap, di tumigil, di naglubay, hanggang ako ay mahuli, mga tanod nitong bayan. Hinagupit nila ako, walang awang sinugatan, balabal ko ay hinatak, pinunit pa at ginutay. Mga dilag ng Jerusalem, ipangako ninyo sa akin kung mahal ko ay makita sa kanya sana'y sabihin, “Iyong sinta'y nanghihina, pag-ibig mo'y hanap niya.” O babaing napakaganda, bakit di mo ilarawan hinahanap mong lalaki na sabi mo'y iyong mahal? Sa amin ay sabihin mo kaiba niyang katangian, na dahilan ng bilin mo't mahigpit na panambitan. Ang irog ko ay makisig, matipuno ang katawan, sa sanlibo ay siya lang ang may gayong katangian. Alun-alon ang buhok niya, mahaba at nangingintab mahal pa iyon kaysa ginto, kulay uwak ang katulad. Mata niya'y mapupungay parang ibon sa may batis, kalapati ang katulad at gatas pa ang panlinis. Ang kanyang mga pisngi'y simbango ng isang hardin, mga labi'y parang liryo, nakasasabik na simsimin. Kamay niya ay maganda, O kay inam na pagmasdan, suot niyang mga singsing, bato nito'y ubod mahal. Wari'y garing ang katulad ng buo niyang katawan, naliligid ng pahiyas na safirong makikinang. Mga hita niya at binti'y marmol ang kabagay, ang mga patungan ay gintong dalisay, parang Bundok ng Lebanon, na makapigil hininga, kung baga sa mga kahoy, mga sedar ang kagaya. Mga labi ay maalab, matamis kung humalik buo niyang katauhan, sadyang kaakit-akit. Iyan ang ayos at larawan nitong aking iniibig. O babaing napakaganda, giliw mo'y saan ba nagpunta? Ika'y aming tutulungan sa paghanap mo sa kanya. Ang mahal kong kasintahan ay nagpunta do'n sa hardin, sa hardin na ang halama'y mababangong mga tanim upang kawan ay bantayan at ang liryo ay pitasin. Ang irog ko'y akin lamang, at sa kanya naman ako; sa kanya na nagpapastol ng kawan sa mga liryo. Katulad ng Jerusalem ang ganda mong tinataglay, tila Tirzang may pang-akit ang iyong kagandahan. Sa aki'y huwag mong ititig ang mata mong mapupungay, pagkat ako'y nabibihag, hindi ako mapalagay. Ang buhok mong anong haba, pagkilos mo'y sumasayaw parang kawan na naglalaro sa bundok ng Gilead. Ang ngipin mo'y kasimputi nitong tupang bagong linis, walang kulang kahit isa, maganda ang pagkaparis. Ang ganda mo'y di magawang maitago nang lubusan nasisinag sa belo mo kagandahang tinataglay. Ang reyna ko'y animnapu, walumpu ang kalaguyo; bukod doo'y marami pang di mabilang na kasuyo. Ngunit ang tangi kong mahal ay iisa lamang, kalapati ang katulad ng taglay niyang kagandahan. Nag-iisa siyang anak ng ina niyang minamahal, kaya siya'y mahal nito nang higit sa kaninuman. “Tunay na siya ay mapalad,” mga dalaga'y nagsasabi mga reyna't kalaguyo sa kanya ay pumupuri. “Sino itong sa tingin ko ay tila bukang-liwayway, kasingganda ng buwan, kasing ningning nitong araw?” Ang hardin ng almendra ay akin nang pinuntahan upang tingnan sa libis, bagong sibol na halaman. Pati ang mga ubas, baka nais nang magbunga, at saka ang mga puno nitong kahoy na granada. Kay laki ng pananabik na ikaw ay makatalik; katulad ko'y mandirigma, labanan ang siyang nais. Magsayaw ka, magsayaw ka, O babaing Sulamita, upang ika'y mapagmasdan, O dalagang sakdal ganda. Ano't inyong ninanais na masdan ang Sulamita, na tulad ng mananayaw sa panahon noong una? Ang paa mong makikinis, O babaing tila reyna, ang hugis ng iyong hita, isang obra maestra. Ang pusod mo'y anong rikit, mabilog na tila kopa, laging puno niyong alak na matamis ang lasa. Balakang mo'y mapang-akit, bigkis-trigo ang kapara, ang paligid ay tulad ng mga liryong kay gaganda. Ang iyong dibdib, O giliw, parang kambal na usa, punung-puno pa ng buhay, malulusog, masisigla. Ang leeg mo ay katulad ng toreng gawa sa marmol, mga mata'y nagniningning, parang bukal sa may Hesbon. Ilong mo ay ubod ganda, parang tore ng Lebanon, mataas na nakabantay sa may Lunsod ng Damasco. Para bang Bundok ng Carmel, ulo mong napakaganda, ang buhok mong tinirintas, kasingganda ng purpura, kaya naman pati hari'y nabihag mo't nahalina. Kay ganda mo, aking mahal; kay ganda mo, aking sinta, sa akin ay nagdudulot ka ng galak at ligaya. Kay hinhin ng iyong kilos tulad ng punong palmera, ang dibdib mong ubod yaman ay tulad ng buwig niya. Puno niya'y aakyatin upang bunga ay pitasin. Sa tingin ko ang dibdib mo'y buwig ng ubas ang kahambing, hininga mo ay mabango, mansanas nga ang katuring. Ang tamis ng iyong labi ay katulad ng inumin, dahan-dahang tumatalab habang ito'y sinisimsim. Itong buhay na taglay ko'y sa sinta ko nakalaan, sa akin siya'y nananabik, lagi akong inaasam. Halika na, aking mahal, tayo na ro'n sa may parang, ang gabi ay palipasing magkasalo sa ubasan. At pagdating ng umaga, isa-isa nating tingnan kung ang puno'y nagsusupling, bulaklak ay lumilitaw; ganoon din ang granada, tingnan natin ang bulaklak, at doon ay lasapin mo ang pag-ibig kong matapat. Ang halaman ng mondragora ay iyo ngang masasamyo, bungangkahoy na masarap ay naroon sa ating pinto, ito'y aking inihanda, inilaan ko sa iyo, at lahat ng kaaliwan, maging luma maging bago. Bakit kaya ika'y hindi naging isa kong kapatid? Inaruga ng ina ko, lumaki sa kanyang dibdib, upang kahit sa lansangan, kung sa iyo ay humalik ay di tayo papansinin, pagkat tayo'y magkapatid. Sa bahay ng aking ina ikaw ay aking dadalhin upang doon ituro at ipadama ang paggiliw, dudulutan ka ng alak, ng masarap na inumin. Sa kaliwa niyang kamay ang ulo ko'y nakaunan habang ako'y hinahaplos ng kanan niyang kamay. Ipangako n'yo sa akin, mga dalaga sa Jerusalem, ang aming paglalambingan ay di n'yo gagambalain. Sino itong dumarating na buhat sa kaparangan, hawak-hawak pa ang kamay ng kanyang minamahal? Sa puno ng mansanas, ikaw ay aking ginising, doon mismo sa lugar na iyong sinilangan. Kaya ako'y mahalin mo, sa bisig mo ay ikulong. O kay lakas ng pag-ibig, panibugho man ay gayon; sinlakas ng kamatayan, tumutupok, parang apoy. Kahit baha ay di kayang pigilin itong paggiliw, buhusan man nitong tubig, di makuhang palamigin. Subukin mong ang pag-ibig ay sa yaman mo daanin, baka nga ang mangyari ay ikaw pa ang siyang kutyain. Kami ay mayro'ng kapatid, dibdib niya ay maliit, ano kayang dapat gawin kung sa kanya'y may umibig? Kung pader lang sana siya, toreng pilak ay lalagyan, at kung pintuan lamang siya, tablang sedar, ay lalagyan. Ako'y isang batong muog, dibdib ko ang siyang tore; sa piling ng aking mahal ay panatag ang sarili. May ubasan si Solomon sa dako ng Baal-hamon, mga taong tumitingin, magsasakang tagaroon; buwis nila'y libong pilak, bawat isa taun-taon. Kung si Haring Solomon ay mayroong libong pilak at ang mga magsasaka'y may dalawandaang hawak, ako naman ay mayroong taniman ng mga ubasan. Bawat isang kasama ko'y malaon nang nananabik, na magmula ro'n sa hardin, ang tinig mo ay marinig. Halika na aking sinta, madali aking mahal, tulad ng pagtakbo ng usa sa kaburulan na punung-puno ng mababangong halaman. Ang aklat na ito ay naglalaman ng pangitain ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at sa Jerusalem noong panahon ng paghahari sa Juda nina Uzias, Jotam, Ahaz at Hezekias. Makinig ang kalangitan gayundin ang kalupaan, sapagkat si Yahweh ay nagsasalita, “Pinalaki ko't inalagaan ang aking mga anak, ngunit naghimagsik sila laban sa akin. Nakikilala ng baka ang kanyang panginoon, at ng asno kung saan siya pinapakain ng kanyang amo; ngunit hindi ako nakikilala ng Israel, hindi ako nauunawaan ng aking bayan.” Bansang makasalanan, mga taong puno ng kasamaan, mga anak ng masasamang tao, mga anak ng katiwalian! Itinakwil ninyo si Yahweh, nilait ang Banal na Diyos ng Israel at pagkatapos ay tinalikuran ninyo siya. Bakit patuloy kayong naghihimagsik? Nais ba ninyong laging pinaparusahan? Ang isip ninyo'y gulung-gulo, ang damdamin ninyo'y nanlulumo. Kayo'y punô ng karamdaman mula ulo hanggang paa; katawan ninyo'y tadtad ng pasa, latay, at dumudugong sugat. Ang mga ito'y nagnanaknak na at wala pang benda, at wala man lamang gamot na mailagay. Sinalanta ang inyong bayan, tupok ang inyong mga lunsod, sinamsam ng mga dayuhan ang inyong mga lupain, at winasak ang mga ito sa inyong harapan. Ang Jerusalem lang ang natira, parang kubong iniwan sa gitna ng ubasan, parang isang silungan sa gitna ng taniman ng pipino, parang isang lunsod na kinukubkob ng kalaban. Kung si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay hindi nagtira ng ilan sa ating lahi, tayo sana'y natulad sa Sodoma at Gomorra. Mga pinuno ng Israel, pakinggan ninyo si Yahweh! Ang inyong mga gawa ay kasinsama ng sa Sodoma at Gomorra. Kaya't pakinggan ninyo at pag-aralan ang katuruan ng Diyos ng ating bayan. “Walang halaga sa akin ang dami ng inyong mga handog. Sawa na ako sa mga tupang sinusunog at sa taba ng bakang inyong inihahandog; hindi ako nalulugod sa dugo ng mga toro, mga kordero at mga kambing. Sinong nag-utos sa inyo na maghandog sa harap ko? Huwag na ninyong lapastanganin ang aking templo. Huwag na kayong magdala ng mga handog na walang halaga; nasusuklam ako sa usok ng insenso. Nababagot na ako sa inyong mga pagtitipon, kung Pista ng Bagong Buwan at Araw ng Pamamahinga; ang mga ito'y walang saysay dahil sa inyong mga kasalanan. “Labis akong nasusuklam sa inyong pagdiriwang ng Pista ng Bagong Buwan at ng iba pang kapistahan; sawang-sawa na ako sa mga iyan at hindi ko na matatagalan. Kapag kayo'y nanalangin sa akin, hindi ko kayo papansinin; kahit na kayo'y manalangin nang manalangin, hindi ko kayo papakinggan sapagkat marami na ang inyong pinaslang. Linisin ninyo ang inyong sarili at magbalik-loob sa akin; sa aking harapan, kasamaan ninyo'y inyong tigilan. Pag-aralan ninyong gumawa ng makatuwiran; pairalin ang katarungan; tulungan ang naaapi; ipagtanggol ninyo ang mga ulila, at tulungan ang mga biyuda. “Halikayo at tayo'y magpaliwanagan,” sabi ni Yahweh. Gaano man kapula ang inyong mga kasalanan, kayo'y aking papuputiin, tulad ng yelo o bulak. Kung susundin ninyo ang aking sinasabi, tatamasahin ninyo ang ani ng inyong lupain. Ngunit kung susuway kayo at maghihimagsik, tiyak na kayo'y mamamatay. Ito ang mensahe ni Yahweh. “Ang Jerusalem na dating tapat sa akin, ngayo'y naging isang masamang babae. Dati'y puspos siya ng katarungan at katuwiran! Ngayon nama'y tirahan na ng mga mamamatay-tao. Ang iyong pilak ay naging bato, nahaluan ng tubig ang iyong alak. Naging suwail ang iyong mga pinuno, kasabwat sila ng mga magnanakaw; tumatanggap ng mga suhol at mga regalo; hindi ipinagtatanggol ang mga ulila; at walang malasakit sa mga biyuda.” Kaya sinabi ng Panginoong Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, “Ibubuhos ko ang aking poot sa aking mga kaaway, maghihiganti ako sa aking mga kalaban! Paparusahan kita at lilinisin, gaya ng pilak na pinadadaan sa apoy at tinutunaw upang dumalisay. Bibigyan kita uli ng mga tagapamahalang tulad noong una, at ng mga tagapayo gaya noong simula, pagkatapos ay tatawagin kang Lunsod ng Katuwiran, ang Lunsod na Matapat.” Maliligtas ang Zion sa pamamagitan ng katarungan, at kayong nagsisisi at nagbabalik-loob. Mapupuksang lahat ang mga suwail at makasalanan, malilipol ang mga tumalikod kay Yahweh. Mapapahiya kayo dahil sa mga punongkahoy na inyong sinamba, at sa mga halamanang itinuring ninyong banal. Makakatulad ninyo'y mga nalalagas na dahon ng puno at halamanang hindi na nadidilig. Ang malalakas na tao'y matutulad sa mga tuyong kahoy, mga gawa nila'y madaling magliliyab, parehong matutupok, sa apoy na walang makakapigil. Ito ang pangitain ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at sa Jerusalem: Sa mga darating na araw, ang bundok na kinatatayuan ng Templo ni Yahweh ang magiging pinakamataas sa lahat ng bundok, at mamumukod sa lahat ng burol, daragsa sa kanya ang lahat ng bansa. Maraming tao ang darating at sasabihin ang ganito: “Umakyat tayo sa bundok ni Yahweh, sa Templo ng Diyos ni Jacob, upang maituro niya sa atin ang kanyang mga daan; at matuto tayong lumakad sa kanyang mga landas. Sapagkat sa Zion magmumula ang kautusan, at sa Jerusalem, ang salita ni Yahweh.” Siya ang mamamagitan sa mga bansa at magpapairal ng katarungan sa lahat ng mga tao; kaya't gagawin na nilang araro ang kanilang mga tabak, at karit naman ang kanilang mga sibat. Mga bansa'y di na mag-aaway at sa pakikidigma'y di na magsasanay. Halina kayo, sambahayan ni Jacob, lumakad tayo sa liwanag ni Yahweh. Itinakwil mo ang lahi ni Jacob na iyong bayan, sapagkat ang lupain ay punô ng mga salamangkero mula sa silangan at ng mga manghuhula gaya ng mga Filisteo; nakikibagay sila sa kaugalian ng mga dayuhan. Sagana ang kanilang lupain sa ginto at pilak, at walang pagkaubos ang kanilang kayamanan. Sa buong lupai'y maraming kabayo, at hindi mabilang ang kanilang mga karwahe. Punô ng diyus-diyosan ang kanilang bayan; mga rebultong gawa lamang, kanilang niyuyukuran, mga bagay na inanyuan at nililok lamang. Kaya ang mga tao ay hahamakin at mapapahiya; huwag mo silang patatawarin! Magtatago sila sa mga yungib na bato at sa mga hukay upang makaiwas sa poot ni Yahweh, at sa kaluwalhatian ng kanyang karangalan. Pagdating ng araw ni Yahweh, ang mga palalo ay kanyang wawakasan, itong mga mayayabang, kanya ring paparusahan; pagkat si Yahweh lamang ang bibigyang kadakilaan. Sapagkat si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay may itinakdang araw, laban sa lahat ng palalo at mayabang, laban sa lahat ng mapagmataas; laban sa lahat ng nagtataasang sedar ng Lebanon, at laban sa lahat ng malalaking punongkahoy sa Bashan; laban sa lahat ng matataas na bundok at mga burol; laban sa lahat ng matataas na tore at matitibay na pader; laban sa mga malalaking barko, at magagandang sasakyang dagat. Pagdating ng araw na iyon, ang mga palalo ay papahiyain, at ang mga maharlika, ay pababagsakin, pagkat si Yahweh lamang ang dapat dakilain, at mawawala ang lahat ng diyus-diyosan. Magtatago ang mga tao sa mga yungib na bato at sa mga hukay sa lupa, upang kanilang matakasan ang poot ni Yahweh; at ang kaluwalhatian ng kanyang karangalan, kapag siya'y nagbangon upang sindakin ang daigdig. Sa araw na iyon, itatapon nila sa mga daga at paniki, ang mga rebultong yari sa ginto at pilak na ginawa nila upang kanilang sambahin. Magtatago sila sa mga yungib na bato at sa mga bitak ng matatarik na burol, upang kanilang matakasan ang poot ni Yahweh at ang kaluwalhatian ng kanyang karangalan, kapag siya'y nagbangon upang sindakin ang daigdig. Huwag ka nang magtitiwala sa kapangyarihan ng tao. Siya ay hininga lamang, at tiyak maglalaho. Ano nga ba ang maitutulong niya sa iyo? Aalisin na ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon, sa Jerusalem at sa Juda ang lahat nilang ikinabubuhay at pangangailangan: ang tinapay at ang tubig; ang magigiting na bayani at ang mga kawal; ang mga hukom at mga propeta, ang mga manghuhula at ang matatandang pinuno; ang mga opisyal ng sandatahang lakas ang mga pinuno ng pamahalaan; ang kanilang mga tagapayo, at ang mahuhusay na salamangkero, gayundin ang mga bihasa sa mga agimat. Ang mamumuno sa kanila'y mga musmos na bata, mga sanggol ang sa kanila'y mamamahala. Aapihin ng bawat tao ang kanyang kapwa, hindi igagalang ng kabataan ang matatanda, maging ang hamak ay lalaban sa nakatataas sa kanya. Darating ang araw na pupuntahan ng isang tao ang kanyang kapatid sa mismong bahay ng kanilang ama upang sabihin: “Mayroon kang balabal kaya ikaw na ang mamuno sa amin, ikaw na ang mamahala sa gumuho nating kabuhayan.” Ngunit tututol ito at sasabihin: “Hindi ko kayo matutulungan; wala kahit tinapay o balabal sa aking bahay. Huwag ninyo akong pamahalain sa ating bayan.” Gumuho na ang Jerusalem at bumagsak na ang Juda, sapagkat sumuway sila kay Yahweh, sa salita at sa gawa, nilapastangan nila ang kanyang maningning na kalagayan. Ang pagkiling nila sa iba ay katibayan laban sa kanila. Gaya ng Sodoma, hayagan sila kung magkasala. Hindi nila ito itinatago! Kawawang mga tao! Sila na rin ang nagpahamak sa kanilang sarili. Sabihin ninyo sa mga taong matuwid: “Mapalad kayo sapagkat mapapakinabangan ninyo ang bunga ng inyong pinagpaguran!” At sa masasamang tao: “Kawawa naman kayo! Ang sasapitin ninyo'y kapahamakan, kung ano ang inyong inutang ay siya ring kabayaran, kung ano ang inyong ginawa, gayundin ang gagawin sa inyo.” Mga bata ang umaapi sa aking bayan; mga babae ang namumuno sa kanila. O bayan ko, inililigaw kayo ng inyong mga pinuno, nililito nila kayo sa daang inyong nilalakaran. Nakahanda na si Yahweh upang ibigay ang kanyang panig, nakatayo na siya upang hatulan ang kanyang bayan. Ipapataw na ni Yahweh ang kanyang hatol sa matatanda at mga pinuno ng kanyang bayan: “Ubasan ng mahihirap inyong sinamsam, inyong mga tahanan puro nakaw ang laman. Bakit ninyo inaapi ang aking bayan at sinisikil ang mahihirap?” Ito ang sabi ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon. At sinabi ni Yahweh, “Palalo ang mga anak na babae ng Jerusalem, taas-noo kung lumakad, pasulyap-sulyap kung tumingin, pakendeng-kendeng kung humakbang, at pinakakalansing pa ang mga alahas sa paa. Dahil diyan, pagsusugatin ni Yahweh ang kanilang ulo hanggang sa sila'y makalbo.” Sa araw na iyon, aalisin ni Yahweh ang mga alahas niya sa paa, ulo at leeg; ang mga kuwintas, pulseras at bandana; ang mga alahas sa buhok, braso, baywang, mga sisidlan ng pabango at mga agimat; ang mga singsing sa daliri at sa ilong; ang mamahaling damit, balabal, kapa at pitaka; ang maninipis nilang damit, mga kasuotang lino, turbante, at belo. Ang dating mabango ay aalingasaw sa baho, lubid ang ibibigkis sa halip na mamahaling sinturon; ang maayos na buhok ay makakalbo, ang magagarang damit ay papalitan ng sako; ang kagandahan ay magiging kahihiyan. Mamamatay sa tabak ang inyong mga kalalakihan, at ang magigiting ninyong kawal sa digmaan. Magkakaroon ng panaghoy at iyakan sa mga pintuang-lunsod, at ang mismong lunsod ay matutulad sa isang babaing hubad na nakalupasay sa lupa. Sa araw na iyon, pitong babae ang mag-aagawan sa isang lalaki at sasabihin nila: “Kami na ang bahala sa aming kakainin at isusuot na damit; pakasalan mo lamang kami para mawala ang kahihiyang taglay namin sapagkat kami'y walang asawa.” Pagdating ng araw na iyon, pasasaganain at pauunlarin ni Yahweh ang lahat ng nanatiling tapat sa kanyang bayan, at ang bunga ng lupain ay magiging dangal at hiyas ng mga nakaligtas na tao sa Israel. Tatawaging banal ang mga matitirang buháy sa Jerusalem, silang mga pinili ng Diyos upang mabuhay. Sa pamamagitan ng makatarungang paghatol, huhugasan ni Yahweh ang karumihan ng Jerusalem at ang dugong nabuhos doon. Pagkatapos, lilikha si Yahweh ng isang ulap kung araw na lililim sa Bundok ng Zion at sa mga nagkakatipon roon at magiging maliwanag na ningas kung gabi. Lalaganap ang kanyang kaluwalhatian gaya ng isang malawak na bubong na magsisilbing lilim sa init ng araw at kublihan kapag may bagyo at ulan. Mayroong ubasan ang aking sinta, sa libis ng bundok na lupa'y mataba, kaya ako'y aawit para sa kanya. Hinukay niya ang lupa at inalisan ng bato, mga piling puno ng mabuting ubas ang kanyang itinanim dito. Sa gitna'y nagtayo siya ng isang bantayan at nagpahukay pa ng balong pisaan. Pagkatapos nito ay naghintay siya na ang kanyang tanim ay magsipagbunga, ngunit bakit ang kanyang napitas ay maasim ang lasa? Kaya ngayon, mga taga-Jerusalem at mga taga-Juda, kayo ang humatol sa akin at sa aking ubasan. Ano pa ba ang aking nakaligtaang gawin sa aking ubasan? Bakit nang ako'y mamitas ng bunga, ang aking nakuha ay maasim ang lasa? Kaya ganito ang gagawin ko sa aking ubasan: Puputulin ko ang mga halamang nakapaligid dito at wawasakin ang bakod. Ito'y kakainin at sisirain ng mga hayop. Pababayaan ko itong malubog sa mga tinik at damo; hindi ko babawasan ng labis na dahon at sanga, hindi ko bubungkalin ang paligid ng mga puno nito; at pati ang ulap ay uutusan ko na huwag magbigay ng ulan. Ang ubasang ito ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay walang iba kundi ang bayang Israel, at ang bayan ng Juda ang mga puno ng ubas na kanyang itinanim. Umasa siyang gagawa ito ng makatarungan, ngunit sa halip ay naging mamamatay-tao, inasahan niyang paiiralin nito'y katuwiran, ngunit panay pang-aapi ang kanilang ginawa. Kawawa kayo na laging naghahangad ng maraming bahay at malawak na mga bukirin, hanggang mawalan na ng lugar ang ibang mga tao, at kayo na lamang ang naninirahan sa lupain. Sinabi sa akin ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat: Maraming tirahan ang mawawasak; malalaki at magagandang mga tahanan, sira at wasak na ito'y iiwan. Sa bawat walong ektaryang ubasan, dalawampu't dalawang litrong alak lamang ang makukuha; sa bawat sampung kabang inihasik, limang salop lamang ang aanihin. Kawawa ang maaagang bumangon na nagmamadali upang makipag-inuman; inaabot sila ng hatinggabi hanggang sa malasing! Tugtog ng lira sa saliw ng alpa; tunog ng tamburin at himig ng plauta; saganang alak sa kapistahan nila; ngunit mga ginawa ni Yahweh ay hindi nila inunawa. Kaya nga ang bayan ko ay dadalhing-bihag ng hindi nila nalalaman; mamamatay sa gutom ang kanilang mga pinuno, at sa matinding uhaw, ang maraming tao. Ang daigdig ng mga patay ay magugutom; ibubuka nito ng maluwang ang kanyang bibig. Lulunukin nito ang mga maharlika ng Jerusalem, pati na ang karaniwang tao na nagkakaingay. Ang lahat ng tao'y mapapahiya, at ang mayayabang ay pawang ibababâ. Ngunit si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, pupurihin siya sa hatol niyang matapat, at sa pagpapakita ng katuwiran, makikilalang ang Diyos ay Banal. Sa gayon, sa tabi ng mga guho ay manginginain ang mga tupa at mumunting kambing. Kawawa kayo, mga makasalanan na walang ginawa kundi humabi ng kasinungalingan; hindi kayo makakawala sa inyong kasamaan. Sinasabi ninyo: “Pagmadaliin natin ang Diyos upang ating makita ang kanyang pagkilos; maganap na sana ang plano ng Banal na Diyos ng Israel, nang ito'y malaman natin.” Kawawa kayo, mga baligtad ang isip! Ang mabuting gawa ay minamasama, at minamabuti naman iyong masama, ang kaliwanaga'y ginagawang kadiliman at ang kadilima'y itinuturing na kaliwanagan. Sa lasang mapait ang sabi'y matamis, sa lasang matamis ang sabi'y mapait. Kawawa rin kayo, mga nag-aakalang kayo'y marurunong, at matatalino sa inyong sariling palagay! Mga bida sa inuman, kawawa kayo! Mahuhusay lang kayo sa pagtitimpla ng alak; dahil sa suhol, pinapalaya ang may kasalanan, at sa taong matuwid ipinagkakait ang katarungan. Kaya kung paanong ang dayami ng trigo at ang tuyong damo ay sinusunog ng apoy, gayundin ang bulaklak nila'y parang alikabok na papaitaas; at ang ugat nila'y dagling mabubulok. Sapagkat tinalikuran nila ang batas ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, at ang salita ng Banal na Diyos ng Israel ay kanilang binale-wala. Kaya dahil sa laki ng galit ni Yahweh, paparusahan niya ang kanyang sariling bayan. Mayayanig ang mga bundok; mga bangkay ay mangangalat na parang mga basurang sa lansanga'y sasambulat. Ngunit ang poot niya'y hindi pa mawawala, kanyang mga kamay handa pa ring magparusa. Huhudyatan niya ang isang malayong bansa, tatawagin niya ito mula sa dulo ng lupa; at mabilis naman itong lalapit. Isa man sa kanila'y hindi mapapagod o makakatulog o madudulas; walang pamigkis na maluwag o lagot na tali ng sandalyas. Matutulis ang kanilang panudla, at nakabanat ang kanilang mga pana; ang kuko ng kanilang kabayo'y sintigas ng bakal at parang ipu-ipo ang kanilang mga karwahe. Ang sigawan nila'y parang atungal ng batang leon, na nakapatay ng kanyang biktima at dinala ito sa malayong lugar na walang makakaagaw. Sa araw na iyon ay sisigawan nila ang Israel na parang ugong ng dagat. At pagtingin nila sa lupain, ito'y balot ng dilim at pighati; at ang liwanag ay natakpan na ng makapal na ulap. Noong taon na mamatay si Haring Uzias, nakita ko si Yahweh na nakaupo sa isang napakataas na trono. Ang laylayan ng kanyang kasuotan ay nakalatag sa buong Templo. May mga serapin sa kanyang ulunan, at ang bawat isa'y may anim na pakpak: dalawa ang nakatakip sa mukha, dalawa sa mga paa, at dalawa ang ginagamit sa paglipad. Sinasabi nila sa isa't isa ang ganito: “Banal, banal, banal si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat! Ang buong daigdig ay puspos ng kanyang kaluwalhatian.” Sa lakas ng kanilang tinig ay nayanig ang mga pundasyon ng Templo at ang loob nito'y napuno ng usok. Sinabi ko, “Kawawa ako sapagkat ako ay isang makasalanan at mula sa isang lahing makasalanan. Mapapahamak ako sapagkat nakita ko ang Hari, si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat!” Pagkatapos, may isang seraping sumipit ng baga mula sa altar, at lumipad patungo sa akin. Idinampi niya ang baga sa aking mga labi, at sinabi: “Ngayong naidampi na ito sa iyong mga labi, pinatawad ka na at nilinis na ang iyong mga kasalanan.” At narinig ko ang tinig ni Yahweh na nagsasabi, “Sino ang aking ipadadala? Sino ang magpapahayag para sa atin?” Sumagot ako, “Narito po ako; ako ang inyong isugo!” At sinabi niya, “Humayo ka at sabihin mo sa mga tao: ‘Makinig man kayo nang makinig ay hindi kayo makakaunawa; tumingin man kayo nang tumingin ay hindi kayo makakakita.’ Papurulin mo ang kanilang kaisipan, kanilang pandinig iyo ring takpan, bulagin mo sila upang hindi makakita, upang sila'y hindi makarinig, hindi makakita, at hindi makaunawa. Kundi'y baka magbalik-loob sila at sila'y pagalingin ko pa.” Itinanong ko: “Hanggang kailan po, Panginoon?” Ganito ang sagot niya: “Hanggang ang mga lunsod ay mawasak at mawalan ng tao, hanggang sa wala nang nakatira sa mga tahanan, at ang lupain ay matiwangwang; hanggang sa ang mga tao'y itapon ni Yahweh sa malayong lugar, at ang malawak na lupain ay wala nang pakinabang. Matira man ang ikasampung bahagi ng mga tao, sila rin ay mapupuksa, parang pinutol na puno ng ensina, na tuod lamang ang natira. Ang tuod na iyan ay tanda ng isang bagong simula para sa bayan ng Diyos.” Nang ang hari ng Juda ay si Ahaz, anak ni Jotam na anak ni Uzias, ang Jerusalem ay sinalakay ni Haring Rezin ng Siria, at ng hari ng Israel na si Peka, anak ni Remalias, ngunit hindi sila nagtagumpay. Nang mabalitaan ng sambahayan ni David na nagkasundo na ang Siria at ang Efraim, ang hari at ang buong bayan ay nanginig sa takot na parang mga puno sa kakahuyan na hinahampas ng hangin. Sinabi ni Yahweh kay Isaias: “Isama mo ang iyong anak na si Sear-Yasub at salubungin ninyo si Ahaz. Matatagpuan ninyo siya sa may dulo ng padaluyan ng tubig mula sa tipunan ng tubig sa itaas, sa daang patungo sa dakong Bilaran ng Tela. Ganito ang sabihin mo sa kanya: ‘Humanda ka! Huwag matakot at mabagabag. Huwag kang masisiraan ng loob dahil sa nag-aalab na poot ni Rezin ng Siria at ni Peka na anak ni Remalias; ang dalawang iyon ay parang dalawang putol ng kahoy na umuusok ngunit walang apoy.’ Nagbalak ng masama laban sa iyo ang Siria, ang Israel at ang anak ni Remalias, at kanilang sinabi: ‘Lusubin natin ang Juda, at sakupin ang Jerusalem. Gagawin nating hari doon ang anak ni Tabeel.’ Ngunit sinabi ng Panginoong Yahweh, “Hindi ito mangyayari. Sapagkat ang Siria'y mas mahina kaysa Damasco na punong-lunsod niya, at ang Damasco'y mas mahina kaysa kay Haring Rezin. Ang Israel naman ay mawawasak sa loob ng animnapu't limang taon, at hindi na ito ibibilang na isang bayan. Malakas pa kaysa Israel ang lunsod ng Samaria na punong-lunsod nito, at ang Samaria ay mas mahina kaysa kay Haring Peka. Ikaw ay mabubuwal kapag hindi naging matatag ang iyong pananalig sa Diyos.” Muling nagsalita si Yahweh kay Ahaz: “Humingi ka ng palatandaan kay Yahweh na iyong Diyos, maging ito ay buhat sa malalim na libingan o sa kaitaasan ng langit.” Ngunit sinabi ni Ahaz: “Hindi po ako hihingi. Hindi ko po susubukin si Yahweh.” At sinabi ni Isaias: “Makinig kayo, sambahayan ni David! Hindi pa ba sapat na subukin ninyo ang pagtitiis ng mga tao, at pati ang pagtitiis ng aking Diyos ay inyong sinusubok? Dahil dito si Yahweh mismo ang magbibigay sa inyo ng palatandaan: Maglilihi ang isang dalaga at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin sa pangalang Emmanuel. Gatas at pulot ang kanyang kakainin kapag marunong na siyang umiwas sa masama at gumawa ng mabuti. Sapagkat bago matuto ang bata na umiwas sa masama at gumawa ng mabuti, ang lupain ng dalawang haring kinatatakutan mo ay wawasakin. Ikaw at ang iyong bayan, pati na ang sambahayan ng iyong ama ay ipapasakop ni Yahweh sa hari ng Asiria. Pagdaranasin ka nito ng paghihirap na kailanma'y hindi mo pa nararanasan mula nang humiwalay ang Efraim sa Juda. Sa panahon ding iyon, tatawagin ni Yahweh ang mga Egipcio na parang mga langaw mula sa malalayong batis ng Ilog Nilo, at ang mga taga-Asiria na gaya ng mga pukyutan. Darating ang mga ito at maninirahan sa matatarik na bangin, sa mga lungga ng malalaking bato, at sa lahat ng dawagan at mga pastulan. Sa araw na iyon, ang Panginoon ay uupa ng mang-aahit mula sa kabila ng Ilog Eufrates—ang hari ng Asiria! Aahitin niya ang buhok mo sa ulo pati na ang iyong balbas at gayundin ang balahibo mo sa buong katawan. Sa araw na iyon ang bawat tao ay mag-aalaga ng isang dumalagang baka at dalawang tupa. Sa dami ng gatas na makukuha, ang lahat ng natira sa lupain ay mabubuhay sa gatas at pulot. Sa panahong iyon ang ubasang noo'y may isang libong punong ubas na nagkakahalaga ng isang libong salaping pilak ay magiging dawagan at puro tinikan. May dalang palaso at pana ang papasok doon, sapagkat ang buong lupain ay mapupuno ng mga tinik at dawag. Wala nang pupunta doon upang magbungkal ng lupa sapagkat mga tinik ay sanga-sanga na. Pagpapastulan na lamang iyon ng mga baka at tupa.” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Kumuha ka ng isang malapad na tapyas ng bato at isulat mo sa malalaking letra ang mga sumusunod: ‘Kay Maher-salal-has-baz.’ Ikuha mo ako ng dalawang saksing mapagkakatiwalaan: ang paring si Urias at si Zacarias na anak ni Jeberequias.” Sinipingan ko ang aking asawa. Siya'y naglihi at nanganak ng isang lalaki. At sinabi sa akin ni Yahweh: “Ang ipangalan mo sa kanya'y Maher-salal-has-baz. Sapagkat bago pa siya matutong tumawag ng ‘Tatay’ o ‘Nanay,’ ang kayamanan ng Damasco at ang mga nasamsam ng Samaria ay dadalhin ng hari ng Asiria.” Sinabi pa sa akin ni Yahweh: “Sapagkat tinanggihan ng bayang ito ang tubig ng Siloe na umaagos nang banayad, at nangangatog sila sa harapan ni Rezin, at ng anak ni Remalias; ipadadala sa kanila ng Panginoon ang hari ng Asiria at ang kanyang mga hukbo, na lulusob tulad ng malakas na agos ng Ilog Eufrates. Parang baha ito na aagos sa Juda, tataas ang tubig nang hanggang leeg, at lalaganap ito sa buong lupain mo, O Emmanuel.” Magsama-sama man kayo mga bansa ay mawawasak din kayo! Makinig kayo, mga bansang nasa malalayong dako. Maghanda man kayo sa pakikipaglaban ay matatakot din kayo. Magplano man kayo, tiyak na kayo'y mabibigo; magpulong man kayo, wala ring mangyayari, sapagkat ang Diyos ay kasama namin. Sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan, binalaan ako ni Yahweh na huwag kong sundan ang mga landas na dinadaanan ng mga taong ito. Sinabi niya, “Huwag kayong maniwala sa sabwatan na sinasabi ng bansang ito; huwag kayong matakot sa kanilang kinatatakutan. Ngunit si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang dapat ninyong kilalanin bilang Banal. Siya ang dapat ninyong igalang at dapat katakutan. Sa dalawang kaharian ng Israel, siya'y magiging isang santuwaryo, isang batong katitisuran; bitag at patibong para sa mga naninirahan sa Jerusalem. Dahil sa kanya, marami ang babagsak, mabubuwal at masusugatan; marami rin ang masisilo at mahuhulog sa bitag.” Ingatan mo at pagtibayin ang mensaheng ito para sa aking mga alagad. Maghihintay ako kay Yahweh na tumalikod sa sambahayan ni Jacob; at sa kanya ako aasa. Ako at ang mga anak na kaloob sa akin ni Yahweh ay palatandaan at sagisag sa Israel, mula kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat na naninirahan sa Bundok ng Zion. Kapag may nagsabi sa inyo: “Sumangguni kayo sa mga espiritu ng namatay at sa mga manghuhula. Hindi ba dapat sumangguni ang mga tao sa kanilang diyos at patay para sa mga buháy?” Ganito ang inyong isasagot, “Nasa inyo ang aral at tagubilin ng Diyos! Huwag kayong makikinig sa mga sumasangguni sa espiritu, ipapahamak lang kayo ng mga iyon.” Maglalakbay sila sa lupain na pagod na pagod at gutom na gutom, magwawala sila dahil sa gutom at susumpain ang kanilang hari at ang kanilang diyos. Titingala sila sa langit at igagala nila ang kanilang mata sa lupa, ngunit wala silang makikita kundi kaguluhan at kadiliman; isang nakakatakot na kadiliman kung saan sila itatapon. Ngunit napawi na ang dilim sa bayang matagal nang namimighati. Noong mga nakaraang araw, inilagay niya sa kahihiyan ang lupain ng Zebulun at ang lupain ng Neftali. Ngunit sa panahong darating, dadakilain niya ang lupaing ito, daanang papunta sa lawa, sa ibayo ng Jordan, sa Galilea ng mga Hentil! Nakakita ng isang maningning na liwanag ang bayang matagal nang lumalakad sa kadiliman; sumikat na ang liwanag sa mga taong naninirahan sa lupaing balot ng dilim. Pinasigla mo ang kanilang pagdiriwang, dinagdagan mo ang kanilang tuwa. Nagagalak sila na parang panahon ng anihan, at parang mga taong naghahati-hati sa nasamsam na kayamanan. Sapagkat binali mo ang pamatok ng kahirapan at mga bigatin sa kanilang balikat ay pinasan. Pamalo ng mga mang-aapi, iyong binali tulad sa Midian na iyong ginapi. Ang panyapak ng mga mandirigma, at ang lahat ng kasuotang tigmak sa dugo ay susunugin. Sapagkat isinilang ang isang sanggol na lalaki para sa atin. Ibibigay sa kanya ang pamamahala; at siya ay tatawaging Kahanga-hangang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang Hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan. Magiging malawak ang kanyang kapangyarihan at walang katapusang kapayapaan ang ipagkakaloob sa trono ni David at sa kanyang kaharian. Itatatag niya ito at pamamahalaan na may katarungan at katuwiran mula ngayon at magpakailanman. Isasagawa ito ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Nagsalita ang Panginoon laban kay Jacob, sa kaharian ng Israel. Malalaman ito ng lahat ng tao sa Efraim at ng lahat ng naninirahan sa Samaria, ngunit dahil sila'y pangahas at tunay na palalo, sila ay nagsabi ng ganito: “Gumuho man ang mga gusaling yari sa tisa, magtatayo naman kami ng gusaling yari sa bato. Maubos man ang mga punong sikamoro, papalitan namin ng sedar ang mga ito.” Kaya sila'y ipasasalakay ni Yahweh sa kanilang mga kaaway. Ang Israel ay sasakmalin ng Siria mula sa silangan at ng mga Filisteo mula sa kanluran, ngunit hindi pa rin mawawala ang matindi niyang galit, at patuloy pa niyang paparusahan ang bayang Israel. Ngunit hindi pa rin magsisisi ang bayan kahit na sila'y parusahan, ayaw talaga nilang magbalik-loob kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Kaya sa loob lamang ng isang araw ay paparusahan ni Yahweh ang mga pinuno't mamamayan ng Israel; para silang hayop na pinutulan ng ulo't buntot. Ang ulo'y ang matatandang pinuno na iginagalang, at ang buntot nama'y mga propetang bulaan. Iniligaw ng kanilang mga pinuno ang bayang ito kaya ang mga tagasunod nila ay nagkakagulo. Dahil dito, hindi kinalugdan ng Panginoon ang kanilang mga kabataang lalaki, hindi niya kinahabagan ang kanilang mga ulila at biyuda. Lahat sila'y walang kinikilalang diyos at masasama; pawang kahangalan ang kanilang sinasabi. Sa lahat ng ito'y hindi mawawala ang matindi niyang galit, patuloy niyang paparusahan ang bayang Israel. Ang kasamaan ay naglalagablab na parang apoy at sumusunog sa mga tinik at dawag; tutupukin nito ang masukal na gubat at papailanlang ang makapal na usok. Susunugin ang buong lupa dahil sa poot ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, at ang mga tao'y parang mga panggatong sa apoy at walang ititira sa kanyang kapwa. Susunggaban nila ang anumang pagkaing kanilang makikita, gayunma'y hindi sila mabubusog, kakainin din nila kahit laman ng kanilang mga anak. Magsasagupaan ang mga naninirahan sa Manases at Efraim at pagkatapos ay pagtutulungan ang Juda; ngunit hindi pa rin mawawala ang matinding poot ni Yahweh. Patuloy niyang paparusahan ang bayang Israel. Mapapahamak kayo, mga gumagawa ng hindi makatarungang batas na umaapi sa mga tao, upang pagkaitan ng katarungan ang mga nangangailangan, upang alisan ng karapatan ang mahihirap, at upang pagsamantalahan ang mga biyuda at ulila. Ano ang gagawin ninyo sa araw ng pagpaparusa, pagdating ng pagkawasak na magmumula sa malayo? Kanino kayo lalapit upang humingi ng tulong, at kanino ninyo iiwanan ang inyong kayamanan, upang hindi kayo mabilanggo, o mamatay sa labanan? Sa kabila ng lahat ng ito, hindi nawawala ang kanyang poot; patuloy niyang paparusahan ang kanyang bayan. Ikaw Asiria ang gagamitin kong pamalo— ang tungkod ng aking pagkapoot. Isusugo ko siya laban sa isang bayang walang diyos, isang bayang kinapopootan ko, upang ito'y wasakin at samsaman ng lahat ng yaman at tapakang parang putik sa lansangan. Ngunit hindi ganito ang binabalak ng hari ng Asiria, wala nga ito sa isipan niya. Ang layunin niya'y wasakin ang maraming bansa. Ang sabi niya: “Hindi ba't pawang hari ang aking mga pinuno? Ano ang pagkakaiba ng Calno sa Carquemis? Ng Hamat sa Arpad, at ng Samaria sa Damasco? Kung paanong pinarusahan ko ang mga kahariang sumasamba sa mga diyus-diyosan; na higit na marami ang mga larawang inanyuan kaysa naroon sa Jerusalem at Samaria, hindi ko rin ba gagawin sa Jerusalem at sa mga diyus-diyosan nito, ang ginawa ko sa Samaria at sa mga imahen nito?” Ngunit kapag natapos na ni Yahweh ang kanyang layunin sa Bundok Zion at sa Jerusalem, paparusahan niya ang hari ng Asiria dahil sa kanyang kayabangan, kataasan at kapalaluan. Sapagkat ang sabi niya: “Nagawa ko iyan dahil sa taglay kong lakas at karunungan, inalis ko ang hangganan ng mga bansa, at sinamsam ko ang kanilang mga kayamanan; ibinagsak ko sa lupa ang mga nakaupo sa trono. Kinamkam ko ang kayamanan ng mga bansa na parang nasa isang pugad. Tinipon ko ang buong lupa tulad ng pagtipon sa mga itlog na iniwanan, wala man lamang pakpak na nagbalak lumipad, walang bibig na bumubuka o huning narinig.” Mas magaling pa ba ang palakol kaysa taong may hawak nito? Mas mahalaga ba ang lagari kaysa taong gumagamit nito? Ang tungkod pa ba ang bubuhat sa may hawak nito? Kaya nga padadalhan ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon, ng mapaminsalang sakit ang magigiting niyang mandirigma, at sa ilalim ng kanilang mga kasuotan, mag-aapoy sa init ang kanilang katawan, parang sigang maglalagablab nang walang katapusan. Ang ilaw ng Israel ay magiging apoy, ang Banal na Diyos ay magniningas, at susunugin niya sa loob ng isang araw maging ang mga tinik at dawag. Wawasakin niya ang kanyang mga gubat at bukirin, kung paanong winasak ng sakit ang katawan at kaluluwa ng tao. Ilan lamang ang matitirang punongkahoy sa gubat, ang mga ito'y mabibilang kahit ng isang batang musmos. Sa araw na iyon ang matitira sa bansang Israel at Juda ay hindi na aasa sa mga nagpahirap sa kanila. Kay Yahweh lamang, sa Banal na Diyos ng Israel, sila mananalig nang buong katapatan. Ang mga natira sa sambahayan ni Jacob ay magbabalik sa Diyos na Makapangyarihan, sapagkat kung sindami man ng buhangin sa dagat ang mga Israelita, ilan lamang ang makakabalik. Nakatakda na ang pagwasak sa iyo ayon sa nararapat. Sa takdang panahon, ang buong bansa ay wawakasan ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon. Kaya ganito ang sinasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon: “O bayan kong naninirahan sa Zion, huwag kang matakot sa mga taga-Asiria kung ikaw ma'y hampasin nila o pahirapan tulad ng ginawa sa iyo ng mga taga-Egipto. Sapagkat hindi magtatagal at lilipas na ang galit ko sa iyo, at sa kanila ko ibabaling ang aking poot. At hahagupitin ko sila tulad ng puksain ko ang mga Midianita sa Bato ng Oreb. Itataas ko ang aking tungkod sa ibabaw ng dagat tulad ng ginawa ko sa mga taga-Egipto. Sa araw na iyon aalisin sa iyong balikat ang pahirap na ginagawa ng Asiria at wawasakin na ang pamatok sa iyong leeg.” Sumalakay siya buhat sa Rimon. At nakarating na sa Aiat, lumampas na siya sa Migron at iniwan sa Micmas ang kanyang dala-dalahan. Nakatawid na sila sa tawiran, at sa Geba magpapalipas ng gabi. Nanginginig ang mga taga-Rama at tumakas na ang mga taga-Gibea na kababayan ni Saul. Sumigaw kayo ng malakas, mga taga-Galim! Makinig kayo mga taga-Laisa; sumagot kayo, taga-Anatot! Tumatakas na ang Madmena, nag-alisan na ang mga taga-Gebim para sa kanilang kaligtasan. Sa araw na ito darating sa Nob ang kaaway, ibinigay na niya ang hudyat na salakayin ang Bundok ng Zion, ang Burol ng Jerusalem. Masdan ninyo si Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon! Sa pamamagitan ng nakakapangilabot na lakas, ibubuwal niya ang pinakamatataas na puno. Ibinabagsak niya ang mga palalo. Ibinubuwal niya ang mga punongkahoy sa kagubatan sa pamamagitan ng palakol, bagsak na ang Lebanon at ang matatayog nitong punongkahoy. Naputol na tulad ng punongkahoy, ang paghahari ng anak ni Jesse. Ngunit katulad ng pag-usbong ng mga bagong sanga sa pinutol na puno, sa lahi niya'y lilitaw ang isang bagong hari. Mananahan sa kanya ang Espiritu ni Yahweh, ang espiritu ng karunungan at pang-unawa, ng mabuting payo at kalakasan, kaalaman at pagsunod at paggalang kay Yahweh. Kagalakan niya ang sumunod at gumalang kay Yahweh. Hindi siya hahatol ayon sa kanyang nakita, o magpapasya batay sa kanyang narinig. Ngunit hahatulan niya ng buong katuwiran ang mga dukha, at ipagtatanggol ang karapatan ng mga kaawa-awa. Tulad ng pamalo ang kanyang mga salita, sa hatol niya'y mamamatay ang masasama. Maghahari siyang may katarungan, at mamamahala ng may katapatan. Maninirahan ang asong-gubat sa piling ng kordero, mahihiga ang leopardo sa tabi ng batang kambing, magkasamang manginginain ang guya at ang batang leon, at ang mag-aalaga sa kanila'y isang batang paslit. Ang baka at ang oso'y magkasamang manginginain, ang mga anak nila'y mahihigang magkakatabi, ang leon ay kakain ng damo tulad ng baka. Maglalaro ang sanggol sa tabi ng lungga ng ahas, hindi mapapahamak ang batang munti kahit pa isuot nito ang kanyang kamay sa lungga ng ulupong. Walang mananakit o mamiminsala sa nasasaklaw ng aking bundok na pinagpala; sapagkat ang buong mundo ay mapupuno ng mga taong kumikilala kay Yahweh, kung paanong ang karagatan ay napupuno ng tubig. Sa araw na iyon, lilitaw ang isang hari mula sa angkan ni Jesse, at ito ang magiging palatandaan para sa mga bansa. Ang mga bansa'y tutungo sa banal na lunsod upang siya'y parangalan. Sa araw na iyon, muling kikilos ang Panginoon upang pauwiin ang mga nalabi sa kanyang bayan na mga bihag sa Asiria, sa Egipto, sa Patros, sa Etiopia, sa Elam, sa Sinar, sa Hamat at sa mga pulo sa karagatan. Magbibigay siya ng isang palatandaan sa mga bansa, at titipunin niya ang mga anak nina Israel at Juda na itinapon sa ibang lupain. Pauuwiin ang mga nangalat na anak ni Juda mula sa apat na sulok ng daigdig. Mapapawi na ang pagkainggit ng Israel, at mapuputol na ang pagkamarahas ng Juda. Hindi na maninibugho ang Israel sa Juda, at hindi na kakalabanin ng Juda ang Israel. Lulusubin nila ang mga Filisteo sa kanluran at magkasama nilang sasamsamin ang ari-arian, ang mga bansa sa silangan; sasakupin nila ang Edom at Moab, at susundin sila ng mga Ammonita. Tutuyuin ni Yahweh ang Dagat ng Egipto, at magpapadala siya ng mainit na hangin upang tuyuin ang Ilog Eufrates. Ang matitira lang ay pitong maliliit na batis na tatawiran ng mga tao. At magkakaroon ng isang malapad na daan mula sa Asiria para sa mga nalabi sa kanyang bayan, kung paanong ang Israel ay may nadaanan nang sila'y umalis mula sa Egipto. Sa araw na iyon ay aawitin ng mga tao ang ganito: “Yahweh, ikaw ay aking pasasalamatan, sapagkat kung nagalit ka man sa akin noon, nawala na ang galit mo ngayon, at ako'y iyong inaliw. Tunay na ang Diyos ang aking kaligtasan, sa kanya ako magtitiwala at hindi ako matatakot, sapagkat ang Panginoong Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan, siya ang aking tagapagligtas. Malugod kayong sasalok ng tubig sa balon ng kaligtasan.” Sasabihin ninyo sa araw na iyon: “Magpasalamat kayo kay Yahweh, siya ang inyong tawagan; ipaalam ninyo sa mga bansa ang kanyang mga gawa, ipahayag ninyo ang kadakilaan ng kanyang pangalan. Umawit kayo ng papuri kay Yahweh, sapagkat kahanga-hanga ang kanyang mga ginawa, ibalita ninyo ito sa buong daigdig. Mga taga-Zion, sumigaw kayo at umawit nang buong galak, sapagkat nasa piling ninyo ang dakila at ang Banal na Diyos ng Israel.” Narito ang isang pahayag mula sa Diyos tungkol sa Babilonia, sa isang pangitain na nakita ni Isaias na anak ni Amoz: Itayo mo ang isang bandila sa tuktok ng burol, isigaw sa mga kawal ang hudyat ng paglusob, lusubin ang mga pintuan ng palalong lunsod. Inutusan ko na ang aking mga piling kawal, tinawagan ko na ang magigiting kong mandirigma. Malalakas sila at masisigla, upang ipalasap ang aking galit. Pakinggan ninyo ang nagkakagulong ingay sa kabundukan dahil sa dami ng tao. Pakinggan ninyo ang ugong ng mga kaharian, ng mga bansang nagkakatipon! Inihahanda na ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang kanyang mga hukbo para sa isang digmaan. Dumarating sila buhat sa malayong lupain, buhat sa dulo ng daigdig. Dumarating na si Yahweh, upang wasakin ang buong lupain dahil sa kanyang poot. Manangis kayo sapagkat malapit na ang araw ni Yahweh, darating na ang araw ng pangwawasak ng Diyos na Makapangyarihan. Sa araw na iyon, manghihina ang lahat ng kamay. Manlulupaypay ang lahat ng tao, ang lahat ng tao'y masisindak, at manginginig sa takot, makadarama sila ng paghihirap, tulad ng isang babaing manganganak. Matatakot sila sa isa't isa; mamumula ang kanilang mukha dahil sa kahihiyan. Dumarating na ang araw ni Yahweh, malupit ito at nag-aalab sa matinding poot, upang wasakin ang lupain at ang masasama ay lipulin. Hindi na magniningning ang liwanag ng mga bituin sa kalangitan, magiging madilim ang araw sa pagsikat, pati ang buwan ay hindi na magsasabog ng liwanag. “Paparusahan ko ang daigdig dahil sa kasamaan nito, at ang masasama dahil sa kanilang kasalanan; wawakasan ko na ang pagmamataas ng mga palalo, at puputulin ko na ang kayabangan ng mga walang awa. Kaunti lamang ang ititira kong tao at magiging mahirap pa silang hanapin kaysa gintong lantay na galing sa Ofir. Kaya nga yayanigin ko ang kalangitan, at ang lupa ay malilihis sa kinalalagyan nito, sa araw na isinabog ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang kanyang matinding poot. Parang usang hinahabol, parang tupang walang pastol, ang mga tao'y babalik sa kani-kanilang bayan, sila ay tatakas pabalik sa sariling lupain. Ang bawat mahuli'y papatayin sa pamamagitan ng tabak. Sa harapan nila'y luluray-lurayin ang kanilang mga sanggol, lilimasin ang mga ari-arian sa kanilang mga tahanan, at ang kanilang mga asawa'y pagsasamantalahan.” Sinabi pa ni Yahweh, “Ipasasalakay ko sila sa mga taga-Media, mga taong walang pagpapahalaga sa pilak at di natutukso sa ginto. Papatayin nila sa pamamagitan ng pana ang mga kabataang lalaki, hindi nila kahahabagan ang mga sanggol at mga bata. Ang Babilonia, na pinakamaganda sa mga kaharian, ang kayamanang ipinagmamalaki ng mga taga-Babilonia, ay pababagsakin ng Diyos tulad sa Sodoma at Gomorra. Wala nang taong maninirahan doon kahit kailan, wala nang Arabong magtatayo ng tolda roon, wala nang pastol na mag-aalaga ng tupa doon. Mga hayop na maiilap ang mananahan doon, titirhan ng mga ostrits ang kanyang mga bahay, pagtataguan ang mga iyon ng mga ostrits at maglulundagan doon ang mga maiilap na kambing. Aatungal ang mga hiyena sa kanyang mga tore, aalulong ang mga asong-gubat sa kanyang mga palasyo. Nalalapit na ang wakas ng Babilonia, hindi na siya magtatagal.” Ngunit muling mahahabag si Yahweh sa sambahayan ni Jacob at muli niyang hihirangin ang bayang Israel. Papatirahin niya sila sa sarili nilang bayan at may mga dayuhan ring darating at maninirahang kasama ng sambahayan ni Jacob. Tutulungan ang Israel ng ibang mga bansa upang makabalik sa sariling lupain at paglilingkuran nila ang mga Israelita bilang mga alipin. Magiging bihag ng mga Israelita ang mga dating bumihag sa kanila at masasakop nila ang noo'y nagpapahirap sa kanila. Sa araw na pagpahingahin kayo ni Yahweh sa inyong paghihirap, pagtitiis at pagkaalipin, hahamakin ninyo nang ganito ang hari ng Babilonia: “Bumagsak na ang malupit na hari! Hindi na siya makapang-aaping muli. Winakasan na ni Yahweh ang kapangyarihan ng masama, ang tagapamahala, na walang awang nagpahirap sa mga tao, buong lupit na naghari sa mga bansang kanilang sinakop. Natahimik din sa wakas ang buong lupa, at ang mga tao'y nag-aawitan sa tuwa. Tuwang-tuwa ang mga sipres at ang mga sedar ng Lebanon dahil sa nangyari sa hari. Sinasabi nila: ‘Ngayong ikaw ay wala na, wala na ring puputol sa amin.’ Ang daigdig ng mga patay ay abala sa iyong pagdating; ito'y naghahanda upang ikaw ay salubungin; ginising niya ang mga kaluluwa upang batiin ka, ng mga dating makapangyarihan sa daigdig. Pinatayo niya mula sa kanilang trono ang hari ng mga bansa. Lahat sila ay magsasabi sa iyo: ‘Ikaw pala'y naging mahina ring tulad namin! At sinapit mo rin ang aming sinapit!’ Noo'y pinaparangalan ka ng tugtog ng alpa, ngayo'y narito ka na sa daigdig ng mga patay. Uod ang iyong hinihigan at uod rin ang iyong kinukumot.” “O Maningning na Bituin sa umaga, anak ng Bukang-liwayway! Bumagsak ka rin sa lupa, at nahulog mula sa langit. Ikaw na nagpasuko sa mga bansa! Hindi ba't sinabi mo sa iyong sarili? ‘Aakyat ako sa langit; at sa ibabaw ng mga bituin ng Diyos, ilalagay ko ang aking trono. Uupo ako sa ibabaw ng bundok na tagpuan ng mga diyos sa malayong hilaga. Aakyat ako sa ibabaw ng mga ulap, papantayan ko ang Kataas-taasan.’ Ngunit anong nangyari at nahulog ka sa daigdig ng mga patay? Sa kalalimang walang hanggan? Pagmamasdan ka ng mga patay at magtatanong ang mga ito: ‘Hindi ba ang taong ito ang nagpayanig sa lupa, at nagpabagsak sa mga kaharian? Hindi ba't winasak niya ang buong daigdig, at nilupig ang mga lunsod, ang taong ayaw palayain ang mga bilanggo? Lahat ng hari ng mga bansa'y mahihimlay sa magagara nilang puntod. Ngunit ikaw ay hindi ililibing sa iyong libingan, ang bangkay mo'y itatapon na parang sangang walang kabuluhan. Tatabunan ka ng mga bangkay ng mga napatay sa digmaan. Ihuhulog kang kasama ng mga iyon sa mabatong hukay, matutulad ka sa bangkay na tinatapak-tapakan. Hindi ka malilibing na tulad ng ibang hari, sapagkat winasak mo ang iyong sariling bayan at nilipol mo ang iyong sariling nasasakupan. Walang makakaligtas sa iyong masamang sambahayang tulad mo. Simulan na ang paglipol sa kanyang mga anak dahil sa kasalanan ng kanilang ama! Hindi na sila muling maghahari sa mundo, o maninirahan sa mga lunsod sa lupa.’” Sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Uusigin ko sila, at uubusin ko ang natitira sa kanilang lahi. Buburahin ko rin ang pangalan ng Babilonia. Gagawin ko siyang isang latian, at tirahan ng mga kuwago. Wawalisin ko siya at pupuksain,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Sumumpa si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Mangyayari ang aking balak, matutupad ang aking layon; lilipulin ko ang mga taga-Asiria sa aking lupain, dudurugin ko siya sa aking kabundukan. Palalayain ko ang aking bayan sa kanilang pang-aalipin, at sa mabigat na pasaning kanilang dinadala. Ito ang gagawin ko sa buong daigdig, paparusahan ko na ang lahat ng bansa.” Sino ang tututol sa pasya ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat? Sino ang pipigil sa kanyang pagpaparusa? Ang mensaheng ito'y nahayag noong taóng mamatay si Haring Ahaz. Huwag mo munang ipagdiwang, bayang Filistia, ang pagkabali ng pamalong inihampas sa iyo, sapagkat sa lahi ng ahas maaaring lumitaw ang ulupong, at mag-aanak ito ng lumilipad na dragon. Ang mga mahihirap ay bibigyan ko ng pagkain, at ang mga nangangailanga'y panatag na mamamahinga; pababayaan kong mamatay ng gutom ang iyong lahi, at lilipulin ko ang matitira. Manangis kayo buong bayan, managhoy ang lahat ng mga lunsod ninyo; manginig kayo sa takot, Filistia. Pumapailanlang ang alikabok mula sa dakong hilaga, sapagkat dumarating na ang matatapang na kawal. Ano ang isasagot sa mga mensahero ng bansang iyon? “Si Yahweh ang nagtatag ng Zion, at ang mga kawawang nagdurusa sa kanyang bayan, nakakasumpong ng matibay na tanggulan.” Ito ang pahayag tungkol sa Moab: Noong gabing gibain ang Ar, gumuho na ang Moab, noong gabing wasakin ang Kir, bumagsak na ang Moab. Umahon sa mga templo ang mga taga-Dibon, upang sa mga burol sila ay manangis; iniiyakan ng Moab ang Nebo at Medeba. Bawat isa sa kanila'y nagpakalbo at nag-ahit ng balbas dahil sa pagdadalamhati. Lahat ay nagluluksa sa mga lansangan, nanaghoy sila sa mga bubungan ng bahay at sa mga liwasang-bayan. Nananaghoy ang Hesbon at ang Eleale, dinig hanggang Jahaz ang kanilang iyakan, nasisindak pati mga mandirigma ng Moab, silang mga kawal, ngayo'y naduduwag. Nahahabag ako sa Moab, nagsisitakas ang kanyang mamamayan patungo sa lupain ng Zoar, hanggang Eglat-selisiya. Lumuluha silang umahon sa gulod ng Luhit, humahagulgol sa daang patungo sa Horonaim, dahil sa kapahamakang kanilang sinapit. Natuyo ang mga batis ng Nimrim, natuyo ang mga damo, natigang ang mga kaparangan, walang natirang sariwang halaman. Kaya itinawid nila sa kabila ng Batis Herabim ang lahat nilang kayamanan at ari-arian. Laganap sa buong Moab ang iyakan, abot sa Eglaim ang hagulgulan, dinig na dinig hanggang sa Beer-elim. Pumula sa dugo ang mga batis ng Dibon; ngunit may iba pang sakunang inihanda ko para sa kanya: Papatayin ng leon ang lahat ng matitira sa Moab. Mula sa Lunsod ng Sela sa disyerto, nagpadala ang mga taga-Moab ng mga batang tupa bilang regalo sa namamahala sa Jerusalem. Naghihintay sila sa baybayin ng batis ng Arnon, pabalik-balik sa paglalakad na parang mga ibong nabulabog sa kanilang pugad. Sasabihin nila sa mga taga-Juda: “Sabihin ninyo sa amin ang aming gagawin; at bigyan ng katarungan; takpan ninyo kami, tulad ng lilim ng punongkahoy kapag katanghaliang-tapat, papagpahingahin ninyo kami sa ilalim ng inyong mayayabong na sanga. Itago ninyo kami sa mga humahabol sa amin; kami'y mga takas, huwag ninyo kaming ibigay sa kanila. Patirahin ninyo kami sa inyong bayan, kaming mga pinalayas sa Moab. Ingatan ninyo kami sa nagnanais na pumatay sa amin.” At lilipas ang pag-uusig, mawawala ang mamumuksa, at aalis ang nananalanta sa lupain. At dahil sa wagas na pag-ibig, itatatag ang isang trono, at uupo doon ang isang hahatol nang tapat; magmumula siya sa angkan ni David, isang tagapamahalang makatarungan, at mabilis sa paggawa ng matuwid. Sasabihin ng mga taga-Juda: “Nabalitaan namin ang kataasan ng mga taga-Moab, ang kanilang kasinungalingan at pandaraya, ngunit walang saysay ang kanilang kayabangan.” Kaya tatangisan ng mga taga-Moab ang kanilang lunsod, sama-sama silang mananaghoy dahil sa kanilang paghihirap, sa tuwing maaalala nila ang masasarap na pagkain sa Kir-Hareset. Sisirain ang mga bukiring malapit sa Hesbon, at ang mga ubasan sa Sibma, na pinagkukunan ng alak ng mga pinuno ng mga bansa. Ubasang abot sa Jazer hanggang sa disyerto, at lampas pa hanggang sa kabila ng dagat. Kaya tatangisan kong kasama ng Jazer ang mga ubasan ng Sibma. Didiligin ko ng luha ang Hesbon at Eleale sapagkat wala silang aanihin upang magsaya ang bayan. Maglalaho ang tuwa at kagalakan sa kanyang masaganang bukirin. Titigil ang kasayahan at awitan sa kanyang ubasan. Wala nang alak na dadaloy sa kanyang pisaan at tuluyang matatahimik ang masayang hiyawan. Kaya parang malungkot na himig ng alpa ang aking pagdadalamhati sa sinapit ng Moab. Nagdurugo ang puso ko sa sinapit ng Kir-heres. Umahon man ang mga taga-Moab sa kanilang mga altar sa mga sagradong burol, at magpagod man sila ng pagsamba sa kanilang mga santuwaryo, wala ring kabuluhan ang kanilang panalangin. Ito ang sabi ni Yahweh noong una tungkol sa Moab. Ngunit ito naman ang sinasabi niya ngayon: “Tatlong taon mula ngayon, malilimas ang malaking kayamanan ng Moab. Sa marami niyang tauhan ay ilan lamang ang matitira at mahihina pa.” Ganito ang pahayag ni Yahweh tungkol sa Damasco: “Mawawala ang Lunsod ng Damasco, at magiging isang bunton na lamang ng mga gusaling gumuho. Kailanma'y wala ng titira sa mga lunsod ng Siria. Magiging pastulan na lamang siya ng mga kawan ng mga tupa at baka at walang mananakot sa kanila. Mawawasak ang mga tanggulan ng Efraim, babagsak ang kaharian ng Damasco. Matutulad sa sinapit ng Israel ang kapalarang sasapitin ng malalabi sa Siria.” Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. “Sa araw na iyon maglalaho ang kaningningan ng Israel, ang kanyang kayamanan ay mapapalitan ng kahirapan. Matutulad siya sa isang triguhan matapos gapasin ng mga mag-aani. Matutuyot siyang gaya ng bukirin sa Refaim matapos simuting lahat ng mga mamumulot. Ilang tao lamang ang matitira sa lahi ng Israel, matutulad siya sa puno ng olibo na pinitas ang lahat ng mga bunga, at walang natira kundi dalawa o tatlong bunga sa pinakamataas na sanga, apat o limang bunga sa mga sangang dati'y maraming magbunga.” Ito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Sa araw na iyon lalapit ang mga tao sa Lumikha sa kanila, sa Banal na Diyos ng Israel. Hindi na nila papansinin ang mga altar na sila na rin ang gumawa. Hindi na sila magtitiwala sa mga diyus-diyosang Ashera o sa mga altar na sunugan ng insenso na inanyuan ng kanilang mga kamay. Sa araw na iyon, iiwan ng mga tao ang iyong mga lunsod. Tulad ng nangyari sa mga lunsod ng mga Hivita at Amoreo noong dumating ang mga Israelita. Kinalimutan ninyo ang Diyos na nagligtas sa inyo, at hindi na ninyo naaalaala ang Bato na inyong kanlungan, sa halip, gumawa kayo ng mga sagradong hardin na itinalaga ninyo sa isang diyus-diyosan, sa paniniwalang pagpapalain niya kayo. Ngunit kahit tumubo man ang mga halaman at mamulaklak sa araw na inyong itinanim, wala kang aanihin pagdating ng araw kundi pawang sakuna at walang katapusang kahirapan. Ang ingay ng napakaraming tao ay parang ugong ng karagatan. Rumaragasa ang mga bansa na parang hampas ng mga alon. Nagkakaingay ang mga bansa na tulad ng daluyong ng tubig, ngunit pinigil sila ng Diyos, at sila'y tumakas, parang alikabok na inililipad ng hangin sa ibabaw ng burol at dayaming tinatangay ng ipu-ipo. Sa gabi'y magsasabog sila ng sindak ngunit pagsapit ng umaga'y wala na sila. Ganyan ang mangyayari sa mga umaapi sa atin, iyan ang sasapitin ng mga nagnakaw ng ating mga ari-arian. Pumapagaspas ang pakpak ng mga kulisap sa isang lupain sa ibayo ng mga ilog ng Etiopia, mula roo'y may dumating na mga sugo sakay ng mga bangkang yari sa tambo, at sumusunod sa agos ng Ilog Nilo. Bumalik na kayo, mabibilis na tagapagbalita, sa inyong lupain na hinahati ng mga ilog, sa inyong bayan na ang tao'y matatangkad at makikinis ang balat, bayang kinagugulatan ng lahat, makapangyarihan at mapanakop. Makinig kayong lahat na mga naninirahan sa daigdig! Abangan ninyo ang pagtataas ng watawat sa ibabaw ng bundok, hintayin ninyo ang tunog ng trumpeta! Sapagkat ganito ang sabi sa akin ni Yahweh: “Buhat sa aking kinaroroonan, tahimik akong nagmamasid, parang sinag ng araw kung maaliwalas ang langit, parang ulap na may dalang hamog sa tag-araw. Sapagkat bago dumating ang anihan kapag tapos na ang pamumulaklak at kapag nahinog na ang mga ubas, ang mga sanga ay puputulin ng matatalas na karit saka itatapon. Ibibigay sila sa ibong mandaragit at sa mababangis na hayop. Kakainin sila ng mga ibon sa tag-araw at ng mga hayop sa taglamig.” Sa panahong iyon, dadalhin kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang mga handog na galing sa lupaing ito, sa lupaing hinahati ng mga ilog. Magpapadala ng kanilang handog ang malakas na bansa, ang mga taong matatangkad at makikinis ang balat, na kinatatakutan sa buong daigdig. Pupunta sila sa Bundok ng Zion, sa lugar na nakalaan sa pagsamba kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Narito ang pahayag tungkol sa Egipto: Tingnan ninyo! Nakasakay si Yahweh sa isang mabilis na ulap patungo sa Egipto. Nanginginig sa takot ang mga diyus-diyosan ng Egipto, at ang mga Egipcio'y naduwag. Ang sabi ni Yahweh: “Paglalaban-labanin ko ang mga Egipcio: Kapatid laban sa kapatid, kasama laban sa kasama, lunsod laban sa lunsod, kaharian laban sa kaharian. Masisiraan ng loob ang mga Egipcio, at guguluhin ko ang kanilang mga balak, hihingi sila ng tulong sa mga diyus-diyosan, sa mga mangkukulam, sa mga nakikipag-usap sa espiritu ng patay at manghuhula. Ibibigay ko ang Egipto sa kamay ng isang malupit na panginoon; isang mabagsik na hari ang sasakop sa kanila.” Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihang Panginoon. Bababaw ang tubig sa Ilog Nilo, at unti-unting matutuyo. Babaho ang mga kanal, ang Ilog Nilo ng Egipto ay mauubusan ng tubig, at matutuyo rin ang mga tambo at mga talahib. Malalanta ang mga halaman sa pampang ng Nilo, itataboy ng hangin, at hindi na muling makikita. Magluluksa ang mga mangingisda, at mananaghoy ang lahat ng namimingwit, ang mga naghahagis naman ng lambat ay manlulupaypay. Manghihina ang loob ng mga gumagawa ng kasuotang linen; manlulupaypay ang mga humahabi ng tela, at mawawalan ng pag-asa ang mga manggagawa. Hangal kayong lahat, mga pinuno ng Zoan! Kayong matatalinong tagapayo ng Faraon, pawang walang saysay ang inyong ipinapayo. Paano ninyo masasabi sa Faraon: “Ako'y mula sa lahi ng mga matatalino at ang mga ninuno ko'y hari noong unang panahon?” Nasaan, Faraon, ang iyong mga matatalino? Bakit hindi nila sabihin sa iyo ngayon ang plano ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat laban sa Egipto? Hangal ang mga pinuno ng Zoan, at baliw ang mga pinuno ng Memfis; iniligaw nila ang Egipto tungo sa kapahamakan. Ginulo ni Yahweh ang kanilang pag-iisip. Iniligaw nila ang Egipto sa lahat nitong ginagawa, animo'y lasing itong pasuray-suray at nagsusuka habang daan. Walang sinuman sa Egipto, dakila man o karaniwang tao ang makakapagbigay ng tulong. Sa araw na iyon, ang mga Egipcio'y magiging parang mga babaing manginginig sa takot kapag iniunat na ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang kanyang kamay upang sila'y parusahan. Masisindak ang mga Egipcio sa mga taga-Juda marinig lamang nila ang pangalan nito, dahil sa balak ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat laban sa kanila. Sa araw na iyon, limang lunsod sa Egipto ang gagamit ng wikang Hebreo, at manunumpa sila sa pangalan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Isa sa mga lunsod na ito ay tatawaging Lunsod ng Araw. Si Yahweh ay ipagtatayo sa Egipto ng isang altar at siya'y pararangalan sa pamamagitan ng isang haliging bato sa may hangganan ng lupain. Iyan ang magiging palatandaan na si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay naroon at sila'y bibigyan niya ng tagapagtanggol kapag sila'y humingi ng tulong sa panahon ng pag-uusig. Magpapakilala si Yahweh sa mga Egipcio at siya nama'y kanilang kikilanlin, sasambahin at aalayan ng handog na susunugin. Gagawa sila ng mga sinumpaang pangako kay Yahweh at ang mga iyon ay kanilang tutuparin. Paparusahan ni Yahweh ang mga Egipcio, ngunit sila nama'y kanyang aaliwin. Manunumbalik sila sa kanya at sila'y kanyang diringgin at pagagalingin. Sa araw na iyon, magkakaroon ng isang malawak na daan buhat sa Egipto patungo sa Asiria. Makakapunta sa Asiria ang mga Egipcio at ang mga taga-Asiria ay makakapunta sa Egipto; sila'y sama-samang sasamba. Sa araw na iyon, ang Israel ay magiging kapanalig ng Egipto at Asiria, at sila'y magiging pagpapala sa buong daigdig. Sa araw na iyon, sasabihin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Pagpapalain kita Egipto na aking bayan; ikaw Asiria na aking itinatag, at ikaw Israel na aking pinili.” Noong taon na ang Asdod ay salakayin at sakupin ng pinakamataas na heneral na sinugo ni Haring Sargon ng Asiria, sinabi ni Yahweh kay Isaias na anak ni Amoz, “Hubarin mo ang iyong damit-panluksa at mag-alis ka ng sandalyas.” Gayon nga ang ginawa ni Isaias at lumakad siyang hubad at nakayapak. Pagkatapos, sinabi ni Yahweh, “Kung paanong ang lingkod kong si Isaias ay tatlong taóng lumalakad na hubad at nakayapak, bilang tanda ng mga mangyayari sa Egipto at Etiopia, gayundin bibihagin ng hari ng Asiria ang mga Egipcio at mga taga-Etiopia. Matanda't bata'y kakaladkaring nakayapak at hubad na ang mga pigi ay nakalabas. O anong laking kahihiyan sa Egipto! Dahil dito'y manlulumo at masisiraan ng loob ang lahat ng nagtiwala sa Etiopia na kanilang inaasahan at sa Egipto na kanilang ipinagmamalaki. Sa araw na iyon, sasabihin ng mga naninirahan sa baybaying-dagat, ‘Tingnan ninyo ang nangyari sa mga bansang ating inaasahan! Sila pa naman ang inaasahan nating magtatanggol sa atin laban sa hari ng Asiria! Paano na tayo makakaligtas ngayon?’” Ito ang pahayag tungkol sa Babilonia. Parang ipu-ipong humahagibis mula sa disyerto ang manlulupig ng Negeb mula sa isang nakakapangilabot na lupain. Nakita ko ang isang pangitaing puno ng kalupitan, kataksilan, at pagkawasak. Sugod, Elam! Sakupin mo, Media. Wawakasan ko na ang ginawang pagpapahirap ng Babilonia. Dahil dito, nakadama ako ng matinding takot, namilipit ako sa sakit tulad ng isang babaing nanganganak; ako'y nakayuko kaya hindi makarinig, ako'y nalilito kaya hindi makakita. Pinanghihinaan ako ng loob, nangangatal ako sa takot; ang pananabik ko sa takipsilim ay naging isang pagkasindak. Sa aking pangitain ay handa na ang hapag-kainan; nakalatag na rin ang mga alpombra upang upuan ng mga panauhin; sila'y nagkakainan at nag-iinuman. Ngunit isang utos ang biglang narinig: “Tumayo kayo, mga pinuno, at langisan ang mga kalasag.” At ganito ang sabi sa akin ni Yahweh: “Lumakad ka na at maglagay ng bantay at iulat ang kanyang mga nakikita. Kung makakita siya ng mga kawal na nakasakay sa mga kabayo, at mga kawal na nakasakay sa asno at kamelyo, dapat siyang maging handa at ang kahandaan niya'y kailangang maging lubos.” Sumigaw ang bantay, “Maghapon po akong nasa tore. Buong gabi'y nakabantay sa aking bantayan.” Walang anu-ano'y nagdatingan ang mga kawal na nakakabayo, dala-dalawa, at nag-ulat ang bantay, “Bumagsak na! Bumagsak na ang Babilonia! Nagkalat sa lansangan ang durug-durog niyang mga diyus-diyosan!” Bayan ko, matagal nang ikaw ay tila trigong ginigiik, may magandang balita ako sa iyo mula kay Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel. Ito ang pahayag tungkol sa Edom: May tumatawag sa akin mula sa Seir, “Bantay, gaano pa ba kahaba ang gabi? Gaano pa ito katagal?” Sumagot ang bantay: “Mag-uumaga na ngunit muling sasapit ang gabi; bumalik na lang kayo kung nais ninyong magtanong muli.” Ito ang pahayag tungkol sa Arabia: Kayong manlalakbay na mga taga-Dedan, na nakahimpil sa mga disyerto ng Arabia, bigyan ninyo ng inumin ang mga nauuhaw. Kayo naman, mga taga-Tema, salubungin ninyo at pakanin ang mga bihag. Sila'y tumatakas sa mga espadang nakaamba, sa panang nakahanda, at sa panganib na dulot ng digmaan. Ganito ang sabi sa akin ni Yahweh: “Sa loob ng isang taon, ayon sa pagbilang ng upahang manggagawa, magwawakas ang kadakilaan ng Kedar. Ilan lamang sa magigiting niyang kawal na mamamana ang matitira. Ito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.” Ito ang pahayag tungkol sa Libis ng Pangitain: Anong nangyayari sa inyo? Bakit kayong lahat ay nagdiriwang sa bubong ng inyong mga bahay? Ang buong lunsod ay nagkakagulo; punô ng ingay at kasayahan. Ang mga anak mo'y namatay hindi sa pamamagitan ng espada; hindi sila nasawi sa isang digmaan. Nagsitakas nang lahat ang inyong mga pinuno ngunit nahuling walang kalaban-laban. Ang lahat ninyong mandirigma ay nabihag na rin kahit nakatakas na at malayo na ang narating. Kaya sinabi ko, “Pabayaan ninyo ako! Hayaan ninyong umiyak ako nang buong pait; huwag na kayong magpumilit na ako'y aliwin, dahil sa pagkawasak ng aking bayan.” Sapagkat ito'y araw ng kaguluhan, pagyurak at pagkalito na itinalaga ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon, sa Libis ng Pangitain. Araw ng pagpapabagsak ng mga pader; araw ng panaghoy na maririnig sa kabundukan. Dala ng mga taga-Elam ang kanilang mga pana, sakay ng kanilang mga karwahe at kabayo, at dala naman ng mga taga-Kir ang kanilang kalasag. Ang magaganda ninyong libis ay puno ng mga karwahe, at sa mga pintuan ng Jerusalem ay nakaabang ang mga kabayuhan. Durog na ang lahat ng tanggulan ng Juda. Kapag nangyari ito ilabas ninyo ang mga sandata mula sa arsenal. Sa araw na iyon nakita ninyo na maraming sira ang tanggulan ng Lunsod ni David at nag-imbak kayo ng tubig mula sa ibabang tipunan. Binilang ninyo ang mga bahay sa Jerusalem at giniba ninyo ang ilan sa mga iyon upang gamitin ang mga bato sa pagpapatibay sa pader ng lunsod. Gumawa kayo ng imbakan ng tubig sa pagitan ng dalawang pader, at pinuno ninyo iyon ng tubig mula sa Lumang Tipunan. Ngunit hindi ninyo naisip ang Diyos na siyang nagplano nito noon pang una at nagsagawa nito. Nanawagan sa inyo si Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon, upang kayo'y manangis at managhoy, upang ahitin ninyo ang inyong buhok at magsuot ng damit-panluksa. Ngunit sa halip, nagdiwang kayo at nagpakasaya, nagpatay kayo ng tupa at baka upang kainin, at nag-inuman kayo ng alak. Ang sabi ninyo: “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas, tayo'y mamamatay.” Ganito ang ipinahayag sa akin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Ang kasalanang ito'y hindi ipapatawad sa inyo, hanggang sa kayo'y mamatay.” Ganito ang sabi sa akin ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon: “Puntahan mo si Sebna, ang katiwala ng palasyo at sabihin mo sa kanya: ‘Anong karapatan mong pumarito? Sinong nagpahintulot sa iyo na humukay ng sariling libingang bato na inukab sa gilid ng bundok? Sino ka man ay dadamputin ka ni Yahweh at itatapon sa malayo! Parang bola kang dadamputin at ihahagis sa malayong lupain. Doon ka mamamatay, sa tabi ng ipinagmamalaki mong mga karwahe, ikaw ang nagdadala ng kahihiyan sa sambahayan ng iyong panginoon.’ Aalisin kita sa iyong katungkulan, palalayasin kita sa iyong kinalalagyan. Tatawagin ko sa araw na iyon ang aking lingkod, si Eliakim na anak ni Hilkias. Siya ang pagsusuutin ko ng iyong buong kasuotan, ibibigay ko sa kanya ang iyong kapangyarihan, siya ang magiging ama ng mga taga-Jerusalem at ng mga taga-Juda. Ibibigay ko sa kanya ang susi ng sambahayan ni David; walang makakapagsara ng anumang buksan niya, at walang makakapagbukas ng anumang sarhan niya. Itatayo ko siyang parang haligi ng tolda, itatayo ko nang matibay sa isang matatag na lugar, at siya'y magiging marangal na trono sa sambahayan ng kanyang ama.” Sa kanya maaatang ang lahat ng kaluwalhatian ng sambahayan ng kanyang ama. Ang kanyang mga kamag-anak ay sa kanya aasa, parang mga sisidlan, mga kopa at palayok na nakasabit. “Kung magkagayon,” ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “mababali ang sabitan at malalaglag. At ang lahat ng nakasabit doon ay madudurog.” Ito ang pahayag tungkol sa Tiro: Manangis kayo, mga mangangalakal sa Tarsis, sapagkat ang Tiro na inyong daungan ay wasak na; wala na kayong mga tahanang matitirhan! Ito'y inihayag na sa inyo mula sa lupain ng Cyprus. Tumahimik kayo, mga nakatira sa dalampasigan; kayong mga mangangalakal ng Sidon, nagpadala kayo ng inyong mga mensahero sa ibayong dagat, upang bilhin at ipagbili ang mga trigo ng Sihor, ang trigong inani sa kapatagan ng Nilo, at upang makipagkalakal sa lahat ng bansa. Lunsod ng Sidon, mahiya ka naman! Isinusuka ka na ng karagatan, sapagkat ganito ang kanyang pahayag: “Kailanma'y hindi ako nagkaanak; wala akong pinalaking mga anak na lalaki at babae.” Kapag umabot sa mga Egipcio ang pagkawasak ng Tiro, sila'y tiyak na magigimbal at mapapahiya. Tumawid kayo sa Tarsis; manangis kayo mga nakatira sa dalampasigan! Ito ba ang masaya at maingay na lunsod ng Tiro na natatag noon pang unang panahon? Ito ba ang lunsod na nagsugo ng mga mamamayan sa ibayong dagat upang doo'y magtayo ng mga bayan? Sinong nagbalak nito laban sa maharlikang lunsod ng Tiro, na kinikilala ang mga dakilang mangangalakal, at pinaparangalan sa lahat ng bansa? Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang nagplano nito upang hamakin ang kanilang kataasan at hiyain ang mga taong dinadakila ng sanlibutan. Kayong mangangalakal ng Tarsis, sakahin na ninyo ang inyong lupain na tulad ng Nilo, sapagkat wala nang gagambala sa inyo. Ang parusa ni Yahweh ay abot hanggang sa ibayong dagat at ibinagsak ang mga kaharian; iniutos na niyang wasakin ang mga kuta sa Canaan. Ang sabi ni Yahweh, “Lunsod ng Sidon, tapos na ang maliligayang araw mo! Kahit na pumunta ka sa Cyprus ay nanganganib ka pa rin.” Masdan ninyo ang lupain ng mga taga-Babilonia, ang bayang ito ay hindi Asiria, at ang Tiro ay pinananahanan na ng mga ligaw na hayop. Pinaligiran siya ng mga tore at mga kuta, at winasak ang kanyang mga palasyo. Manangis kayo mga mangangalakal ng Tarsis, sapagkat wasak na ang inyong inaasahan. Pitumpung taon na malilimot ang Tiro, sintagal ng buhay ng isang hari. Ngunit pagkatapos ng panahong iyon, siya'y muling babangon at matutulad sa babaing binabanggit sa awit na ito: “Tugtugin mo ang iyong alpa, babaing haliparot, libutin mo ang lunsod; galingan mo ang pagtugtog sa alpa, umawit ka ng maraming awitin upang ikaw ay muling balikan.” Pagkatapos ng pitumpung taon, muling lilingapin ni Yahweh ang lunsod ng Tiro. Manunumbalik ito sa dating pamumuhay at muling ibebenta ang sarili sa lahat ng kaharian sa daigdig. Ang kanilang tutubuin sa hanapbuhay ay hindi na nila iipunin. Sa halip, ito'y ihahandog nila kay Yahweh upang ibili ng pagkain at kasuotan ng mga taong sumasamba sa kanya. Ang daigdig ay wawasakin ni Yahweh, sasalantain niya ang mga lupain at pangangalatin ang mga tao. Iisa ang sasapitin ng lahat—mamamayan at pari, alipin at panginoon; alila at may-ari ng bahay, nagtitinda't namimili, nangungutang at nagpapautang. Mawawasak ang daigdig at wala nang papakinabangin dito; mangyayari ito sapagkat sinabi ni Yahweh. Matutuyo at malalanta ang lupa, manghihina ang buong sanlibutan. Ang langit at ang lupa ay mabubulok. Sinira na ang daigdig ng mga naninirahan dito dahil sinuway nila ang katuruan ng Diyos; at nilabag ang kanyang mga utos; winasak nila ang walang hanggang tipan. Kaya susumpain ng Diyos ang daigdig, at magdurusa ang mga tao dahil sa kanilang kasamaan, mababawasan ang mga naninirahan sa lupa; kaunti lamang ang matitira sa kanila. Mauubos ang alak, malalanta ang ubasan, ang mga nagsasaya'y daranas ng kalungkutan. Ang masayang tugtog ng tamburin ay hindi na maririnig; titigil na ang ingay ng mga nagsasaya; mapaparam ang masayang tunog ng alpa! Mawawala na rin ang pag-iinuman ng alak sa saliw ng awitan, ang alak ay magiging mapait sa panlasa. Magulo ang lunsod na winasak; ang pintuan ng bawat tahanan ay may harang upang walang makapasok. Sa mga lansangan ay sumisigaw sila dahil kulang ng alak, nawala na ang kagalakan at nauwi sa kalungkutan; lahat ng kasayahan ay napawi sa lupa. Naguho na ang buong lunsod, ang pinto nito'y nagkadurug-durog. Ganyan din ang mangyayari sa lahat ng bansa sa buong daigdig; parang puno ng olibo matapos lagasin ang bunga, tulad ng ubasan matapos ang anihan. Silang nakaligtas ay aawit dahil sa kagalakan, mula sa kanluran ay kanilang dadakilain si Yahweh. Pupurihin siya doon sa silangan, at ipagbubunyi ang pangalan ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, sa baybayin ng dagat. May awit ng pagpupuring maririnig, maging sa pinakamalalayong dulo ng daigdig, bilang papuri sa Diyos na Matuwid. Ngunit ang sabi ko naman, “Nalulungkot ako. Nasasayang lamang ang panahon. Wala na akong pag-asa. Patuloy ang panlilinlang ng mga taksil. Palala nang palala ang kanilang pagtataksil.” Mga tao sa daigdig, naghihintay sa inyo ang matinding takot, malalim na hukay, at nakaumang na bitag. Sinumang tumakas dahil sa takot, sa balong malalim, doon mahuhulog. Pag-ahon sa balon na kinahulugan, bitag ang siyang kasasadlakan. Sapagkat mabubuksan ang durungawan ng langit, at mauuga ang pundasyon ng daigdig. Ang daigdig ay tuluyang mawawasak, sa lakas ng uga ito'y mabibiyak. Ang lupa'y tulad ng lasenggong pasuray-suray at kubong maliit na hahapay-hapay, sa bigat ng kasalanang kanyang tinataglay, tiyak na babagsak ang sandaigdigan at hindi na babangon magpakailanman. Darating ang araw na paparusahan ni Yahweh ang hukbo ng kasamaan sa himpapawid, gayundin ang mga hari dito sa daigdig. Tulad ng mga bilanggo, ihuhulog silang sama-sama sa isang malalim na balon; ikukulong sila sa piitang bakal, at paparusahan pagkaraan ng maraming araw. Mawawala ang liwanag ng araw at buwan, at maghahari si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, sa Bundok ng Zion, at sa Jerusalem. Doo'y mahahayag ang kanyang kaluwalhatian, sa harap ng mga pinuno ng bayan. O Yahweh, ikaw ang aking Diyos; pupurihin ko at dadakilain ang iyong pangalan; sapagkat kahanga-hanga ang iyong mga ginawa; buong katapatan mong isinagawa ang iyong mga balak mula pa noong una. Ang mga lunsod ay iyong iginuho, at winasak ang mga kuta; ibinagsak ninyo ang mga palasyo ng mga dayuhan, at ang mga iyon ay hindi na muling maitatayo. Kaya dadakilain ka ng taong malalakas, at matatakot sa iyo ang malulupit na lunsod. Ikaw ang tunay na kanlungan ng mahihirap, at mga nangangailangan, matatag na silungan sa panahon ng unos at nakakapasong init. Sa harap mo'y mabibigo ang mararahas, sila'y parang bagyong humahampas sa matibay na pader. Ang ingay ng dayuhan ay parang init sa disyerto, ngunit napatahimik mo ang ingay ng mga kaaway; hindi na marinig ang awit ng malulupit, parang init na natakpan ng ulap. Sa Bundok ng Zion, aanyayahan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang lahat ng bansa para sa isang malaking handaan. Pinakamasasarap na pagkain at alak ang kanyang ipinahanda. Sa bundok ding ito'y papawiin niya ang ulap ng kalungkutang naghahari sa lahat ng bansa. Lubusan nang pupuksain ng Panginoong Yahweh ang kamatayan, at papahirin ang mga luha sa kanilang mga mata. Aalisin niya sa kahihiyan ang kanyang bayan. Sasabihin ng lahat sa araw na iyon: “Siya ang hinihintay nating Diyos na sa ati'y magliligtas, siya si Yahweh na ating inaasahan. Magalak tayo at magdiwang, sapagkat tayo'y kanyang iniligtas.” Iingatan ni Yahweh ang Bundok ng Zion, ngunit ang Moab ay tatapakan; gaya ng dayaming tinatapak-tapakan sa tambakan ng basura. Sisikapin ng mga taga-Moab na igalaw ang kanilang mga kamay na parang lumalangoy sa tubig. Ngunit sila'y bibiguin ng Diyos hanggang sa sila'y lumubog. Ang matataas niyang pader ay iguguho ni Yahweh, at dudurugin hanggang maging alabok. Sa araw na iyo'y ganito ang aawitin sa Juda: “Matatag na ang ating lunsod; si Yahweh ang magtatanggol sa atin at magbibigay ng tagumpay. Buksan ang pintuan, at hayaang pumasok ang matuwid na bansa na laging tapat. Binibigyan mo ng lubos na kapayapaan ang mga may matatag na paninindigan at sa iyo'y nagtitiwala. Magtiwala kayo kay Yahweh magpakailanman, sapagkat ang Diyos na si Yahweh ang walang hanggang kublihan. Ibinababâ niya ang mga nasa itaas; ibinabagsak niya ang lunsod na kanilang tinitirhan; hanggang maging alabok ang mga pader nito. Ito'y tinapak-tapakan ng mga taong hinamak; at ginagawang tuntungan ng mahihirap.” Patag ang daan ng taong matuwid, at ikaw, O Yahweh ang dito'y pumatag. Sinusunod namin ang mga kautusan mo; ikaw lamang ang aming inaasahan. Pagsapit ng gabi'y hinahanap-hanap ka ng aking kaluluwa, nangungulila sa iyo ang aking espiritu. Kapag hinatulan mo ang mga tao sa daigdig, malalaman nila kung ano ang matuwid. Kahit mahabag ka sa taong masama, hindi rin siya matututong mamuhay nang tapat; kahit na kasama siya ng bayang matuwid, kadakilaan ni Yahweh ay hindi pa rin mapapansin. Nagbabala ka ng parusa, O Yahweh, ngunit hindi rin nila ito pinansin. Kaya ipadama mo sa kanila ang nakahandang parusa, upang makita nila ang pagmamahal mo sa iyong bayan. Ikaw ang nagbibigay sa amin ng kapayapaan, at anumang nagawa nami'y dahil sa iyong kalooban. O Yahweh, aming Diyos, may ibang panginoong sa ami'y nanguna, ngunit ang pangalan mo lamang ang aming kinikilala! Mga patay na sila at hindi na mabubuhay, sapagkat pinarusahan mo at winasak na ganap, hindi na sila maaalala kailanman. Pinaunlad mo ang iyong bansa, O Yahweh, at pinalawak mo rin ang kanyang lupain. Dahil dito'y karapat-dapat kang parangalan. Hinanap ka nila sa gitna ng hirap, nang parusahan mo'y ikaw ang tinawag. Sa iyong harapan, katulad nami'y babaing manganganak, na napapasigaw sa tindi ng hirap. Matinding hirap ang aming dinanas, ngunit ito'y nawalan ng kabuluhan, wala kaming napagtagumpayang labanan, at wala kaming anak na magmamana ng lupain. Ngunit muling mabubuhay ang mga anak mong namatay, mga bangkay ay gigising at aawit na may galak; kung paanong ang hamog sa lupa ay nagpapasariwa, ang espiritu ng Diyos ay nagbibigay-buhay. Pumasok kayo sa inyong bahay, bayan kong hinirang, isara ninyo ang mga pinto, magtago kayo hanggang humupa ang galit ni Yahweh. Sapagkat darating si Yahweh mula sa kalangitan, upang parusahan ang mga tao sa daigdig dahil sa kanilang mga kasalanan. Sa sandaling ito'y mahahayag ang mga lihim na pagpaslang at mabubunyag pati ang kanilang libingan. Sa araw na iyon, gagamitin ni Yahweh ang kanyang malupit at matalim na espada; paparusahan niya ang Leviatan, ang tumatakas na dragon, at papatayin niya ang halimaw na nakatira sa dagat. Sa araw na iyon, sasabihin niya sa kanyang mainam na ubasan, “Akong si Yahweh ang nag-aalaga ng ubasang ito na dinidilig bawat sandali, at binabantayan ko araw at gabi upang walang manira. Hindi na ako galit sa aking ubasan, ngunit sa sandaling may makita akong mga tinik, ang mga ito'y titipunin ko at saka susunugin. Ngunit kung nais nilang sila'y aking ingatan, ang dapat nilang gawin, makipagkasundo sa akin. Darating ang araw na mag-uugat ang lahi ni Jacob, mamumulaklak ang Israel, magbubunga ng marami at mapupuno ang buong daigdig. Pinarusahan ba ng Diyos ang Israel gaya ng ginawa sa mga kaaway nito? Pinatay ba niya ang mga Israelita tulad ng ginawa sa pumaslang sa kanila? Hinayaan ni Yahweh na mabihag ang kanyang bayan bilang parusa; tinangay sila ng malakas na hangin buhat sa silangan. Patatawarin lang sila kung wawasakin nila ang mga altar at itatapon ang larawan ng diyus-diyosang si Ashera, at dudurugin ang altar na sunugan ng insenso. Wasak na ang lunsod na siyang tanggulan, para itong disyerto na walang nakatira, at ginawang pastulan na lamang ng mga baka. Nabali at natuyo ang mga sanga ng punongkahoy, pupulutin naman ng mga babae at gagawing panggatong. Sapagkat ang bayang ito'y walang pagkaunawa, kaya hindi sila kahahabagan ng Diyos na kanilang Manlilikha. Sa araw na iyon ay titipunin ni Yahweh, ang mga Israelita gaya ng inaning trigo; mula sa Ilog Eufrates hanggang sa hangganan ng Egipto. Pagtunog ng trumpeta, tatawagin pabalik sa Jerusalem, ang mga Israelitang nangalat sa Asiria at Egipto upang sambahin nila si Yahweh sa banal na bundok sa Jerusalem. Kawawa ang Israel, sapagkat naglalaho na ang kanyang karangalan; parang kumukupas na kagandahan ng bulaklak sa ulo ng mga lasenggong pinuno. May pabango nga sila sa ulo ngunit animo'y patay na nakahiga dahil sa kalasingan. Narito, may inihanda na ang Panginoon, isang taong malakas at makapangyarihan; sinlakas ito ng isang mapaminsalang bagyo, taglay ang malakas na hangin, ulan at rumaragasang baha, upang palubugin ang buong lupa. Yuyurakan ang ipinagmamalaking karangalan ng mga lasenggong pinuno ng Israel. Mabilis ang pagkawala ng kanyang nagniningning na kagandahan tulad ng pagkaubos ng mga unang bunga ng igos, na agad kinukuha at kinakain kapag nahinog. Sa araw na iyon, si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang magiging maningning na korona ng mga nalabing hinirang. Siya ang papatnubay sa mga hukom upang maging makatarungan sa paghatol; at magbibigay ng tapang at lakas sa mga tagapagtanggol ng bayan laban sa mga kaaway. Sumusuray na sa kalasingan ang mga pari at mga propeta kaya sila'y nalilito. Hindi na maunawaan ng mga propeta ang nakikita nilang pangitain; at hindi na matuwid ang paghatol ng mga pari. Ang lahat ng mesa'y punô ng kanilang suka, nakakapandiri ang buong paligid. Ganito ang sinasabi nila laban sa akin: “Ano kaya ang palagay ng taong ito sa atin; sino bang nais niyang turuan at pagpaliwanagan? Ang sinabi niya'y para lamang sa mga batang musmos na nangangailangan pa ng gatas. Sinong makikinig sa kanyang pamamaraan: Isa-isang letra, isa-isang linya, at isa-isang aralin!” Kaya naman magsasalita si Yahweh sa bayang ito sa pamamagitan ng mga dayuhan, siya'y magtuturo. Ganito ang kanyang sasabihin: “Narito ang tunay na kapahingahan para sa mga napapagal,” ngunit hindi nila ito pinakinggan. Kaya ganito ang pagtuturo ni Yahweh sa kanila: “Isa-isang letra, isa-isang linya, at isa-isang aralin;” at sa kanilang paglakad, sila'y mabubuwal, mahuhulog sa bitag, masasaktan at mabibihag. Kaya't ngayon ay dinggin ninyo si Yahweh, kayong mga walang galang na pinuno, na namamahala sa Lunsod ng Jerusalem. Sapagkat sinabi ninyo, “Nakipagkasundo na kami sa kamatayan, gayundin sa daigdig ng mga patay. Kaya hindi na kami mapapahamak dumating man ang malagim na sakuna; ginawa na naming kuta ang kasinungalingan, at pandaraya ang aming kanlungan.” Ito ngayon ang sinasabi ng Panginoong Yahweh: “Naglalagay ako sa Zion ng batong-panulukan, subok, mahalaga, at matatag na pundasyon; ‘Ang magtiwala rito'y hindi mapapahiya.’ Gagawin kong panukat ang katarungan, at pamantayan ang katuwiran; wawasakin ng bagyo at aanurin ng baha ang lahat ng silungan ng kasinungalingan.” Ang pakikipagkasundo mo sa kamatayan at sa daigdig ng mga patay ay mawawalan ng bisa at masisira, at kapag dumating ang baha, lahat kayo'y matatangay. Araw-araw, sa umaga't gabi ang bahang ito'y daraan at kayo'y tatangayin; maghahasik ito ng sindak at takot upang maunawaan ang mensahe nito. Sapagkat mangyayari sa inyo ang isinasaad ng kasabihan: ‘Maikli ang kamang inyong higaan, at makitid ang kumot para sa katawan.’ Sapagkat tulad ng ginawa sa Bundok ng Perazim, tatayo si Yahweh at ipadarama ang kanyang galit; tulad din ng ginawa niya sa Libis ng Gibeon, gagawin niya ang kanyang magustuhan kahit hindi siya maunawaan, at tanging siya lang ang nakakaalam. Kaya huwag ka nang magyabang, baka ang gapos mo ay lalong higpitan. Sapagkat narinig ko na ang utos ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon, na wasakin ang buong lupain. Itong aking tinig ay iyong dinggin, ang sinasabi ko'y iyong unawain. Ang nagsasaka ba'y lagi na lamang pag-aararo at pagsusuyod ang gagawin sa kanyang bukid? Hindi ba't kung maihanda na ang lupa, ito'y sinasabugan niya ng anis at linga? Hindi ba tinatamnan niya ito ng trigo't sebada at sa mga gilid naman ay espelta? Iyan ang tamang gawain na itinuro ng Diyos sa tao. Ang anis at linga ay hindi ginagamitan ng gulong o mabigat na panggiik. Banayad lamang itong nililiglig o pinapalo. Dinudurog ba ang butil na ginagawang tinapay? Hindi ito ginigiik nang walang tigil, pinararaanan ito sa hinihilang kariton ngunit hindi pinupulbos. Ang mensaheng ito'y mula kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, mahusay ang kanyang payo at kahanga-hanga ang kanyang karunungan. Kawawa ang Jerusalem, ang lunsod na himpilan ni David! Hayaang dumaan ang taunang pagdiriwang ng mga kapistahan, at pagkatapos ay wawasakin ko ang lunsod na tinatawag na “altar ng Diyos!” Maririnig dito ang panaghoy at pagtangis, ang buong lunsod ay magiging parang altar na tigmak ng dugo. Kukubkubin kita, at magtatayo ako ng mga kuta sa paligid mo. Dahil dito, ikaw ay daraing mula sa lupa, maririnig mo ang iyong tinig na nakakapangilabot, nakakatakot na parang tinig ng isang multo, at parang bulong mula sa alabok. Ngunit ang lulusob sa iyo ay liliparin na parang abo, parang ipang tatangayin ng hangin ang nakakatakot nilang hukbo. Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay biglang magpapadala ng dumadagundong na kulog, lindol, buhawi, at naglalagablab na apoy upang iligtas ka. Ang lahat ng bansang kumalaban sa Jerusalem, ang kanilang mga sandata at kagamitan, ay maglalahong parang isang panaginip, parang isang pangitain sa gabi. Parang isang taong gutom na nanaginip na kumakain, at nagising na gutom pa rin; o taong uhaw na nanaginip na umiinom, ngunit uhaw na uhaw pa rin nang siya'y magising. Gayon ang sasapitin, ng lahat ng bansang lumalaban sa Jerusalem. Magwalang-bahala kayo at mag-asal mangmang, bulagin ang sarili at nang hindi makakita! Malasing kayo ngunit hindi sa alak, sumuray kayo kahit hindi nakainom. Sapagkat pinadalhan kayo ni Yahweh ng espiritu ng matinding antok; tinakpan niya ang inyong mga mata, kayong mga propeta, tinakpan din niya ang inyong mga ulo, kayong mga manghuhula. Ang kahulugan ng lahat ng pangitaing ito ay parang aklat na nakasara. Kung ipababasa mo ito sa taong nakakaunawa, ang sasabihin niya'y, “Ayoko, hindi ko mababasa sapagkat nakasara.” Kung ipababasa mo naman sa hindi marunong bumasa, ito ang isasagot sa iyo, “Hindi ako marunong bumasa.” Sasabihin naman ni Yahweh, “Sa salita lamang malapit sa akin ang mga taong ito, at sa bibig lamang nila ako iginagalang, subalit inilayo nila sa akin ang kanilang puso, at ayon lamang sa utos ng tao ang kanilang paglilingkod. Kaya muli akong gagawa ng kababalaghan sa harapan nila, mga bagay na kahanga-hanga at kataka-taka; mawawalang-saysay ang karunungan ng kanilang mga matatalino, at maglalaho ang katalinuhan ng kanilang matatalino.” Kaawa-awa ang mga nagtatago kay Yahweh habang sila'y gumagawa ng mga panukala. Sila na nagsasabing: “Doon kami sa gitna ng dilim upang walang makakakilala o makakakita sa amin!” Binabaligtad ninyo ang katotohanan! Masasabi ba ng palayok sa gumagawa nito, “Hindi naman ikaw ang humugis sa akin;” at masasabi ba ng nilikha sa lumikha sa kanya, “Hindi mo alam ang iyong ginagawa”? Tulad ng kasabihan: “Hindi magtatagal at magiging bukirin ang kagubatan ng Lebanon, at ang bukirin naman ay magiging kagubatan.” Sa araw na iyon maririnig ng bingi ang pagbasa sa isang kasulatan; at mula sa kadiliman, makakakita ang mga bulag. Ang nalulungkot ay muling liligaya sa piling ni Yahweh, at pupurihin ng mga dukha ang Banal na Diyos ng Israel. Sapagkat mawawala na ang malupit at mapang-api, gayon din ang lahat ng mahilig sa kasamaan. Lilipulin ni Yahweh ang lahat ng naninirang-puri, mga sinungaling na saksi at mga nagkakait ng katarungan sa matuwid. Kaya ito ang sinasabi ni Yahweh, ang tumubos kay Abraham, tungkol sa sambahayan ni Jacob: “Wala nang dapat ikahiya o ikatakot man, ang bayang ito mula ngayon. Kapag nakita nila ang kanilang mga anak na ginawa kong dakilang bansa, makikilala nila na ako ang Banal na Diyos ni Jacob; igagalang nila ang itinatanging Diyos ni Israel. Magtatamo ng kaunawaan ang mga napapalayo sa katotohanan, at tatanggap ng pangaral ang mga matitigas ang ulo.” Sinabi ni Yahweh, “Kawawa ang mga suwail na anak, na ang ginagawa'y hindi ayon sa aking kalooban; nakikipagkaisa sila sa iba nang labag sa aking kagustuhan, palala nang palala ang kanilang kasalanan. Nagmamadali silang pumunta sa Egipto upang humingi ng tulong sa Faraon; ngunit hindi man lamang sila sumangguni sa akin. Mabibigo lamang kayo sa hinahangad ninyong tulong, at kahihiyan lamang ang idudulot ng inaasahan ninyong proteksyon. Bagama't nasa Zoan ang kanilang mga pinuno, at ang mga sugo nila'y umabot pa hanggang Hanes, mapapahiya lamang kayong lahat, dahil sa mga taong walang pakinabang, hindi naman tumutulong at hindi rin maaasahan, wala silang matatamo kundi kabiguan at kahihiyan.” Ito ang mensahe ng Diyos tungkol sa mga hayop sa katimugang disyerto: Sa lupain ng kaguluhan at dalamhati, sa lugar na pinamamahayan ng mga leon, ng mga ulupong at mga lumilipad na dragon; ikinakarga nila ang kanilang kayamanan sa mga asno at mga kamelyo, upang ibigay sa mga taong walang maitutulong. Ang bansang Egipto'y hindi maaasahan, kaya tinawag ko siyang, “Inutil na Dragon.” Halika, at isulat mo sa isang aklat, kung anong uri ng mga tao sila; upang maging tagapagpaalala magpakailanman, kung gaano kalaki ang kanilang kasalanan. Sapagkat sila'y mapaghimagsik laban sa Diyos, sinungaling at ayaw makinig sa aral ni Yahweh. Sinasabi nila sa mga tagapaglingkod, “Huwag kayong magsasabi ng katotohanan.” At sa mga propeta, “Huwag kayong magpapahayag ng tama. Mga salitang maganda sa aming pandinig ang inyong banggitin sa amin, at ang mga hulang hindi matutupad. Umalis kayo sa aming daraanan, at ang tungkol sa Banal na Diyos ng Israel ay ayaw na naming mapakinggan.” Kaya ito ang sabi ng Banal na Diyos ng Israel: “Tinanggihan mo ang aking salita, at sa pang-aapi at pandaraya ka nagtiwala. Kaya darating sa iyo ang malagim na wakas, tulad ng pagguho ng isang marupok na pader na bigla na lamang babagsak. Madudurog kang parang palayok na ibinagsak nang walang awa; wala kahit isang pirasong malalagyan ng apoy, o pansalok man lamang ng tubig sa balon.” Sinabi pa ng Panginoong Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel, “Maliligtas kayo kapag kayo'y nagbalik-loob at nagtiwala sa akin; kayo'y aking palalakasin at patatatagin.” Ngunit kayo'y tumanggi. Sinabi ninyong makakatakas kayo, sapagkat mabibilis ang sasakyan ninyong kabayo, ngunit mas mabibilis ang hahabol sa inyo! Sa banta ng isa, sanlibo'y tatakas, sa banta ng lima'y tatakas ang lahat; matutulad kayo sa tagdan ng bandila na doon naiwan sa tuktok ng burol. Ngunit si Yahweh ay naghihintay upang tulungan kayo at kahabagan; sapagkat si Yahweh ay Diyos na makatarungan; mapalad ang lahat ng nagtitiwala sa kanya. Mga taga-Jerusalem, hindi na kayo mananaghoy kailanman. Si Yahweh ay mahabagin. Kayo'y diringgin niya kapag kayo'y tumawag sa kanya. Kung ipahintulot man niya na kayo'y magkasakit o magdanas ng hirap, siya na inyong Guro ay hindi magtatago sa inyo. Saan man kayo pumaling, sa kaliwa o sa kanan, maririnig ninyo ang kanyang tinig na nagsasabing, “Ito ang daan; dito kayo lumakad.” Tatalikuran na ninyo ang mga diyus-diyosang yari sa pilak at ginto; ibabasura ninyo ang mga iyon at sasabihing: “Lumayo kayo sa akin!” Bibigyan niya kayo ng masaganang ulan para sa inyong mga tanim upang kayo'y mag-ani nang sagana. Ang inyong mga kawan naman ay manginginain sa malawak na pastulan. Ang mga baka at asno na ginagamit ninyo sa pagsasaka ay kakain sa pinakamaiinam na pagkain ng hayop. Mula sa matataas ninyong mga bundok at burol, aagos ang mga batis, pagdating ng panahon ng kakila-kilabot na pagpuksa at pagwasak sa mga tore. Magliliwanag ang buwan na animo'y araw, at ang araw nama'y magliliwanag nang pitong ibayo, parang liwanag ng pitong araw na pinagsama-sama. Ito'y mangyayari sa araw na gamutin at pagalingin ni Yahweh ang sugat ng kanyang bayan. Tingnan ninyo, dumarating na si Yahweh, nag-aapoy sa galit, sa gitna ng mga ulap; ang mga labi niya'y nanginginig sa galit, at ang dila niya'y tila apoy na nagliliyab. Magpapadala siya ng malakas na hangin na tila bahang tumatangay sa lahat ng madaanan. Wawasakin nito ang mga bansa at wawakasan ang kanilang masasamang panukala. Masaya kayong aawit sa pagdiriwang ninyo sa gabi ng banal na kapistahan. At sa himig ng tugtog ng plauta, aakyat kayong masaya sa bundok ni Yahweh, ang tagapagtanggol ng Israel. Maririnig ang makapangyarihang tinig ni Yahweh at makikita ang pinsalang idudulot ng kanyang kamay dahil sa tindi ng galit na parang apoy na tumutupok at hanging rumaragasa kung may malakas na bagyo. Paghaharian ng takot ang mga taga-Asiria kapag narinig nila ang tinig ni Yahweh na nagbabanta ng pagpaparusa. Ang bawat hampas ng parusang igagawad sa kanila ni Yahweh ay may kasaliw pang tunog ng mga tamburin at lira. Matagal nang nakahanda ang lugar na pagsusunugan sa hari, isang maluwang at malalim na lugar. Hindi mamamatay ang apoy dito at hindi rin mauubos ang panggatong. Ang hininga ni Yahweh na parang nag-aalab na asupre ang patuloy na magpapalagablab sa sunugang iyon. Kahabag-habag kayong umaasa sa tulong ng Egipto at nagtitiwala sa bilis ng kanilang mga kabayo, nananalig sa dami ng kanilang mga karwahe, at sa matatapang nilang mangangabayo, sa halip na sumangguni at umasa kay Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel. Alam ni Yahweh ang kanyang ginagawa, nagpapadala siya ng salot. At gagawin niya ang kanyang sinabi. Paparusahan niya ang gumagawa ng masama at ang mga tumutulong sa kanila. Hindi Diyos ang mga Egipcio; sila'y mga tao rin, karaniwang hayop din ang kanilang mga kabayo at hindi espiritu. Pagkilos ni Yahweh, babagsak ang malakas na bansa, pati ang mga tinulungan nito. Sila'y pare-parehong mawawasak. Ito ang sinabi sa akin ni Yahweh: “Walang makakapigil sa akin sa pagtatanggol sa Bundok ng Zion, kung paanong ang leon ay hindi mapipigil sa paglapa nito sa kanyang biktima, kahit pa magsisigaw ang mga pastol. Kaya't sa pagdating ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay walang makakapigil, upang ipagtanggol ang Zion at ang mga burol nito. Tulad ng pag-aalaga ng ibon sa kanyang inakay, gayon iingatan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang Jerusalem. Ipagtatanggol niya ito at ililigtas; hindi niya ito pababayaan.” Sinabi ng Diyos, “Bayang Israel, magbalik-loob ka sa akin, labis-labis na ang ginawa mong paghihimagsik. Pagdating ng araw na iyon, itatapon ng bawat isa ang kanyang mga diyus-diyosang pilak at ginto na sila-sila rin ang gumawa. “Ang mga taga-Asiria'y malulupig sa digmaan, ngunit hindi tao ang wawasak sa kanila; sila'y magtatangkang tumakas, ngunit aalipinin ang kanilang mga kabataan. Sa tindi ng takot, tatakas ang kanyang pinakapinuno, at iiwan ng mga opisyal ang kanilang bandila.” Ito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos na sinasamba at hinahandugan sa Jerusalem. Makikita ninyo, may haring mamamahala nang matuwid, at mga pinunong magpapairal ng katarungan. Sila'y magiging kanlungan sa malakas na hangin at pananggalang sa nagngangalit na bagyo; ang katulad nila'y batis sa tuyong lupain, parang malaking batong kublihan sa disyerto! Mabubuksan ang kanilang mga mata at tainga sa pangangailangan ng mga tao. Magiging matiyaga na sila at maunawain sa bawat kilos, magiging matapat sila sa kanilang sasabihin. Ang mga hangal ay hindi na tatawaging dakila; o kaya'y sasabihing tapat ang mga sinungaling. Ang sinasabi ng mangmang ay puro kamangmangan, at puro kasamaan ang kanyang iniisip; paglapastangan kay Yahweh ang ginagawa niya't sinasabi. Minsan ma'y hindi siya nagpakain ng nagugutom o nagpainom ng nauuhaw. Masama ang gawain ng taong hangal. Ipinapahamak nila ang mahihirap sa pamamagitan ng kasinungalingan, at gumagawa ng paraan upang hindi pakinabangan ang kanilang karapatan. Ngunit ang taong marangal ay gumagawa ng tapat, at naninindigan sa kung ano ang tama. Kayong mga babaing pabaya, pakinggan ninyo ang aking sasabihin. Pagkalipas ng isang taon mabibigo na kayo, sapagkat wala na kayong mapipitas na bunga ng ubas. Manginig kayo sapagkat matagal kayong nagpabaya at nagwalang bahala. Maghubad kayo ng inyong kasuotan, at magsuot ng damit-panluksa. Dagukan ninyo ang inyong dibdib sa kalungkutan sapagkat wasak na ang masaganang bukirin at ang mabunga ninyong ubasan. Tinubuan na ito ng mga tinik at dawag. Tangisan ninyo ang dating masasayang tahanan, at lunsod na noo'y puno ng kagalakan. Pati ang palasyo ay pababayaan at ang pangunahing-lunsod ay mawawalan ng tao. Ang mga burol at tore ay guguho; ang lupain ay magiging tirahan ng maiilap na asno at pastulan ng mga tupa. Ngunit minsan pang ibubuhos sa atin ang espiritu ng Diyos. Ang disyerto ay magiging matabang lupa at ang bukirin ay pag-aanihan nang sagana. Ang katarungan at katuwiran ay maghahari sa buong lupain. Ang bunga ng katuwiran ay kapayapaan; at ito'y magdudulot ng katahimikan at pagtitiwala magpakailanman. Ang bayan ng Diyos ay mamumuhay sa isang payapa, ligtas, at tahimik na pamayanan. Kahit pa umulan ng yelo sa kagubatan at mapatag ang kabundukan. Magiging maligaya ang lahat dahil sa saganang tubig para sa mga pananim at malawak na pastulan ng mga baka at asno. Mapapahamak ang aming mga kaaway! Sila'y nagnakaw at nagtaksil, kahit na walang gumawa sa kanila ng ganito. Ngunit magwawakas ang ginagawa nilang ito, at sila'y magiging biktima rin ng pagnanakaw at pagtataksil. Kahabagan mo kami, O Yahweh, kami'y naghihintay sa iyo; ingatan mo kami araw-araw at iligtas sa panahon ng kaguluhan. Kapag ikaw ay nasa panig namin, tumatakas ang mga kaaway dahil sa ingay ng labanan. Ang ari-arian nila'y nalilimas, parang pananim na dinaanan ng balang. Dakila si Yahweh! Ang trono niya'y ang kalangitan, maghahari siya sa Zion na may katarungan at katuwiran. Siya ang magpapatatag sa bansa, inililigtas niya ang kanyang bayan, at binibigyan ng karunungan at kaalaman; ang pangunahing yaman nila, si Yahweh'y sundin at igalang. Ang matatapang ay napapasaklolo, ang mga tagapamayapa ay naghihinagpis. Sapagkat wala nang tao sa mga lansangan, mapanganib na ang doo'y dumaan. Mga kasunduan ay di na pinahahalagahan, at wala na ring taong iginagalang. Ang tuyong lupa'y parang nagluluksa, ang kagubatan ng Lebanon ay nalalanta; naging parang disyerto na ang magandang lupain ng Sharon; gayundin ang Bundok ng Carmel at ang Bashan. “Kikilos ako ngayon,” ang sabi ni Yahweh sa mga bansa, “At ipapakita ko ang aking kapangyarihan.” Walang kabuluhan ang mga plano ninyo, at ang mga gawa ninyo ay walang halaga; dahil sa aking poot tutupukin kayo ng aking espiritu. Madudurog kayong tulad ng mga batong sinunog para gawing apog. Kayo'y magiging abo, na parang tinik na sinunog. Kayong mga nasa malayo, pakinggan ninyo ang ginawa ko; kayong mga nasa malapit, kilalanin ninyo ang kapangyarihan ko. Nanginginig sa takot ang mga makasalanan sa Zion. Sabi nila, “Parang apoy na hindi namamatay ang parusang igagawad ng Diyos. Sino ang makakatagal sa init niyon?” Ngunit maliligtas kayo kung tama ang sinasabi ninyo at ginagawa. Huwag ninyong gagamitin ang inyong kapangyarihan para apihin ang mahihirap; huwag kayong tatanggap ng suhol; huwag kayong makikiisa sa mga mamamatay-tao; o sa mga gumagawa ng kasamaan. Sa gayon, magiging ligtas kayo, parang nasa loob ng matibay na tanggulan. Hindi kayo mawawalan ng pagkain at inumin. Makikita ninyo ang kaningningan ng hari na mamamahala sa buong lupain. Mawawala na ang kinatatakutang mga dayuhang tiktik at maniningil ng buwis. Mawawala na rin ang mga palalong dayuhan na hindi maunawaan kung anong sinasabi. Masdan mo ang Zion, ang pinagdarausan natin ng mga kapistahan! Masdan mo rin ang Jerusalem, mapayapang lugar, magandang panahanan. Ito'y parang matatag na toldang ang mga tulos ay nakabaon nang malalim at ang mga lubid ay hindi na kakalagin. Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay ihahayag sa atin. Maninirahan tayo sa baybayin ng malalawak na ilog at batis na hindi mapapasok ng sasakyan ng mga kaaway. Sapagkat si Yahweh ang ating hukom, siya ang mamamahala, at siya rin ang haring magliligtas sa atin. Ngayon, tulad mo'y mahinang barko, hindi mapigil ang lubid o mailadlad ang mga layag. Ngunit pagdating ng panahong iyon, maraming masasamsam sa mga kaaway, at pati mga pilay ay bibigyan ng bahagi. Wala nang may sakit na daraing doon, patatawarin na lahat ng mga kasalanan. Lumapit kayo mga bansa, makinig kayo buong bayan! Halikayo at pakinggan ang aking sasabihin, kayong lahat na nasa ibabaw ng lupa. Sapagkat si Yahweh ay napopoot sa lahat ng bansa, matindi ang kanyang galit sa kanilang mga hukbo; sila'y hinatulan na at itinakdang lipulin. Ang kanilang mga bangkay ay ikakalat; ito'y mabubulok at aalingasaw sa baho, at ang mga bundok ay babaha sa dugo. Ang araw, buwan at mga bituin ay malalaglag at madudurog at ang kalangita'y irorolyong parang balumbon. Ang mga bituin ay malalaglag na parang mga tuyong dahon ng igos na nalalagas. Si Yahweh ay naghanda ng espada sa kalangitan upang gamitin laban sa Edom, sa bayang hinatulan niyang parusahan. Ang espada ni Yahweh ay puno ng dugo at taba; iyon ay dugo ng mga tupa at kambing, at taba ng lalaking tupa. Sapagkat siya'y maghahandog sa Bozra, marami siyang pupuksain sa Edom. Sila'y mabubuwal na parang maiilap na toro at barakong kalabaw, matitigmak ng dugo at mapupuno ng taba ang buong lupain. Sapagkat si Yahweh ay may nakatakdang araw ng paghihiganti, isang taon ng paghihiganti alang-alang sa Zion. Ang mga batis ng Edom ay magiging alkitran, at magiging asupre ang kanyang lupa, ang buong bansa ay masusunog na parang aspalto. Araw-gabi'y hindi ito mamamatay, at patuloy na papailanlang ang usok; habang panaho'y hindi ito mapapakinabangan, at wala nang daraan doon kahit kailan. Ang mananahan dito'y mga kuwago at mga uwak. Ang lupaing ito'y lubusang wawasakin ni Yahweh, at iiwang nakatiwangwang magpakailanman. Doo'y wala nang maghahari at mawawala na rin ang mga pinuno. Tutubuan ng damo ang mga palasyo at ang mga napapaderang bayan, ito ay titirhan ng mga asong-gubat at pamumugaran ng mga ostrits. Ang maiilap na hayop ay sasama sa mga asong-gubat, tatawagin ng mga tikbalang ang kapwa nila maligno; doon bababâ ang babaing halimaw upang magpahinga. Ang mga kuwago, doon magpupugad, mangingitlog, mamimisâ at magpapalaki ng kanilang inakay. Doon din maninirahan ang mga grupo ng buwitre. Sa aklat ni Yahweh ay hanapin ninyo at basahin: “Isa man sa kanila'y hindi mawawala, bawat isa'y mayroong kapareha.” Sapagkat ito'y utos ni Yahweh, at siya mismo ang kukupkop sa kanila. Siya na rin ang nagtakda ng kanilang titirhan, at nagbigay ng kani-kanilang lugar; doon na sila titira magpakailanman. Muling sasaya ang ulilang lupain na matagal nang tigang; mamumulaklak ang mga halaman sa disyerto. Ang disyerto ay aawit sa tuwa, ito'y muling gaganda tulad ng mga Bundok ng Lebanon at mamumunga nang sagana tulad ng Carmel at Sharon. Mamamasdan ng lahat ang kaluwalhatian at kapangyarihan ni Yahweh. Inyong palakasin ang mahinang kamay, at patatagin ang mga tuhod na lupaypay. Ito ang sabihin sa pinanghihinaan ng loob: “Huwag kang matakot, lakasan mo ang iyong loob! Darating na ang Diyos, at ililigtas ka sa mga kaaway.” Ang mga bulag ay makakakita, at makakarinig ang mga bingi. Ang mga pilay ay lulundag na parang usa, aawit sa galak ang mga pipi. Mula sa kaparangan ay aagos ang tubig, at dadaloy sa disyerto ang mga batis. Ang nakakapasong buhanginan ay magiging isang lawa, sa tigang na lupa ay bubukal ang tubig. Ang dating tirahan ng mga asong-gubat, ay tutubuan ng tambo at talahib. Magkakaroon ng isang maluwang na lansangan, na tatawaging Landas ng Kabanalan. Sa landas na ito ay hindi makakaraan, ang mga makasalanan at mga hangal. Walang leon o mabangis na hayop na makakapasok doon; ito'y para lamang sa mga tinubos. Babalik sa Jerusalem ang mga tinubos ni Yahweh na masiglang umaawit ng pagpupuri. Paghaharian sila ng kaligayahan. Ang lungkot at dalamhati ay mapapalitan ng tuwa at galak magpakailanman. Noong ika-14 na taon ng paghahari ni Hezekias sa Juda, sinalakay at nasakop ni Haring Senaquerib ng Asiria ang buong lunsod ng Juda. Nang si Haring Senaquerib ng Asiria ay nasa Laquis, inutusan niya sa Jerusalem ang kanyang punong ministro, kasama ang isang malaking hukbo upang pasukuin si Haring Hezekias. Ang punong ministro ay hindi agad pumasok sa lunsod kundi naghintay muna sa may padaluyan ng tubig sa daang papasok sa Bilaran ng Tela. Doon sila pinuntahan ng punong ministro sa palasyo na si Eliakim, anak ni Hilkias. Kasama niya ang kalihim na si Sebna at ang tagapagtala na si Joa na anak ni Asaf. Pagkakita sa kanila'y sinabi ng ministro, “Magbalik kayo kay Hezekias at sabihin ninyo ang ipinapatanong na ito ng hari ng Asiria: ‘Ano ba ang ipinagmamalaki mo? Akala mo ba'y sapat na ang salita laban sa isang makapangyarihang hukbo? Sino ang inaasahan mo at ikaw ay naghihimagsik laban sa akin? Ang Egipto? Para kang nagtutungkod ng baling tambo, masusugatan pa niyan ang iyong kamay. Iyan ang sasapitin ng sinumang magtiwala sa Faraon ng Egipto. Kung sasabihin mo namang kay Yahweh na inyong Diyos kayo aasa, hindi ba ang mga altar niya sa burol ang ipinaalis ni Hezekias? Hindi ba't ang utos niya sa mga taga-Jerusalem at taga-Juda ay sa altar lamang sa Jerusalem sila sasamba? Ngayon, kung talagang gusto mong subukin ang aming hari, bibigyan kita ng dalawang libong kabayo kung may mapapasakay ka sa mga ito. Paano ka makakalaban kahit sa isang maliit na pangkat ng aming hukbo, samantalang sa Egipto ka lamang umaasa ng kailangan mong mga karwahe at mga kawal na nakakabayo? Akala mo ba'y sasalakayin ko at wawasakin ang lupaing ito nang walang pahintulot si Yahweh? Siya mismo ang may utos sa akin na salakayin ito at wasakin.’” Nakiusap sina Eliakim, Sebna at Joa sa punong ministro ng Asiria. Ang sabi nila, “Baka po maaaring sa wikang Aramaico na lamang tayo mag-usap sapagkat marunong naman kami ng salitang iyan. Huwag na po ninyo kaming kausapin sa wikang Hebreo nang naririnig ng mga nasa itaas ng pader.” Ngunit sinagot sila ng ministro, “Bakit, ano ba ang akala ninyo? Sinugo ba ako ng panginoon ko upang kayo lamang at ang inyong hari ang balitaan nito? Dapat ding malaman ito ng mga taong ito na tulad ninyo'y dumi rin ang kakainin at ihi ang iinumin pagdating ng takdang panahon.” Kaya lalong inilakas ng ministro ang kanyang pagsasalita sa wikang Hebreo: “Pakinggan ninyo ang ipinapasabi ng hari ng Asiria. Huwag kayong paloloko kay Hezekias, sapagkat hindi niya kayo kayang iligtas. Huwag kayong maniniwala sa sinasabi niyang ililigtas kayo ni Yahweh, na ang lunsod na ito'y hindi masasakop ng hari ng Asiria. Huwag kayong makinig sa kanya; ang dinggin ninyo'y ang sinabi ng hari ng Asiria, ‘Sumuko na kayo at makipagkasundo sa akin! Sa gayon, magiging matiwasay kayo. Kung gagawin ninyo ito, kayo ang makikinabang sa bunga ng inyong ubasan at igos, at kayo rin ang iinom sa tinipon ninyong tubig. Pagkatapos, darating ako upang dalhin kayo sa lupaing tulad nito na sagana sa pagkaing butil at alak. Huwag kayong maniwala sa sinasabi sa inyo ni Hezekias na ililigtas kayo ni Yahweh. Walang diyos ng ibang bansa na nakapagligtas sa kanila sa kamay ng hari ng Asiria. Gaya ng mga diyos sa Hamat at Arpad, nailigtas ba ng mga iyon ang mga tagaroon? At ang mga diyos sa Sefarvaim, nailigtas ba nila ang Samaria sa aking mga kamay? Kung ang mga diyos na iyon ay walang nagawa upang ipagtanggol ang kanilang bansa, gaano pa ang inyong si Yahweh? Hindi rin maililigtas nito ang Jerusalem sa aking mga kamay.’” Wala ni isa mang kumibo sa kanila sapagkat iniutos ng hari na huwag silang sasagot. Dahil dito'y sinira nina Eliakim, Sebna at Joa ang kanilang mga damit, at sama-samang nagbalik kay Hezekias, at iniulat ang lahat ng sinabi ng punong ministro ng Asiria. Nang marinig ni Haring Hezekias ang kanilang ulat, sinira din niya ang kanyang kasuotan, nagsuot ng damit-panluksa, at pumasok sa Templo. Tinawag niya si Eliakim, ang katiwala sa palasyo, at pinapunta ito kay Isaias, ang propetang anak ni Amoz. Pinasama rin niya ang kanyang kalihim na si Sebna at ang matatandang pari. Lahat sila'y nakadamit-panluksa. Ganito ang ipinasabi niya kay Isaias: “Ang araw na ito ay araw ng paghihirap, ng pagpaparusa at kahihiyan. Para tayong isang inang dapat nang magsilang, ngunit hindi magawâ dahil nanghihina. Marahil ay narinig ni Yahweh na inyong Diyos ang sinabi ng punong ministro ng Asiria na sinugo ng kanyang hari upang lapastanganin ang Diyos na buháy. Sana'y parusahan niya ang kalapastanganang iyon. Kaya, idalangin mo ang natitira pa sa bayan ng Diyos.” Nang marinig ni Isaias ang ipinasabi ni Haring Hezekias, sumagot siya, “Sabihin ninyo sa inyong hari na ganito ang ipinapasabi ni Yahweh: ‘Huwag kayong matakot sa mga paglapastangan sa akin ng sugo ng hari ng Asiria. Ito ang tandaan ninyo! Padadalhan ko siya ng isang espiritu na lilito sa kanya; at hindi siya patatahimikin ng isang balita. Dahil dito, uuwi siya agad at sa pamamagitan ng espada'y mamamatay siya sa kanyang sariling bayan.’” Bumalik nga sa Laquis ang punong ministro at nabalitaan niyang wala roon ang hari ng Asiria, sapagkat sinasalakay nito ang Libna. Kaya doon siya tumuloy. Nabalitaan naman ng haring ito na lumabas na ang Haring Tirhaka ng Etiopia upang sila'y salakayin. Kaya nagpasugo muli siya kay Haring Hezekias upang sabihin dito: “Huwag kang palinlang sa pinagtitiwalaan mong Diyos na nagsasabing hindi masasakop ng hari ng Asiria ang Jerusalem. Alam ninyo ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa ibang mga bansa; winasak silang lahat, kayo pa kaya! Hindi nailigtas ng mga diyos ang mga bansang winasak ng aming mga magulang. Nariyan ang Gozan, Caran, at Resef; nariyan din ang mga taga-Eden na nasa Telasar. Nailigtas ba sila ng mga ito? At nasaan ang hari ng Hamat, ng Arpad, ang hari ng lunsod ng Sefarvaim, ng Hena at ng Iva?” Kinuha ni Hezekias ang sulat na dala ng mga sugo, at pagkatapos basahin ay pumasok sa Templo. Isinangguni niya ito kay Yahweh, at siya'y nanalangin. “O Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, Diyos ng Israel, lumikha ng langit at lupa. Ang inyong trono'y nasa ibabaw ng mga kerubin. Kayo lamang ang Diyos ng lahat ng kaharian sa lupa. Masdan ninyo ang aming kalagayan, at lingapin ninyo kami. Narito ang liham ni Senaquerib na lumalapastangan sa inyo, ang buháy na Diyos. Tunay nga, O Yahweh, na winasak ng mga hari ng Asiria ang lahat ng bansa. Sinunog nila ang diyos ng mga ito, sapagkat ang diyos nila'y hindi tunay; mga bato at kahoy lamang na gawa ng mga tao. Kaya iligtas mo kami Yahweh, O aming Diyos, sa kamay ni Senaquerib upang malaman ng lahat ng kaharian sa lupa na ikaw lamang, ang tunay na si Yahweh.” Pagkatapos, tumanggap si Hezekias ng sulat mula kay Isaias na ganito ang sinasabi: “Dininig ni Yahweh, ang Diyos ng Israel ang dalangin mo laban kay Senaquerib, at ito ang kanyang tugon: Kinamumuhian ka ng mga taga-Zion, Senaquerib, pinagtatawanan ka at kinukutya ng Jerusalem. “Sino sa akala mo ang iyong iniinsulto at hinahamak? Nilapastangan mo ako, ang Banal na Diyos ng Israel! Nilait mo ang Panginoon sa pamamagitan ng iyong mga lingkod, ang sabi mo: Sa dami ng aking karwahe, naakyat ko ang ituktok ng mga bundok, naabot ko rin ang kasuluk-sulukan ng Lebanon. Pinutol ko ang nagtataasang puno ng sedar, at ang mga piling puno ng sipres; naabot kong lahat ang pinakamataas na lugar at pusod ng gubat. Humukay ako ng maraming balon, at uminom ako ng tubig ng mga iyon. Ang mga ilog at batis sa Egipto, matapakan ko lamang ay agad natutuyo. “Dapat mong malaman na noon pang una ang bagay na ito ay matagal ko nang binalak, at ngayo'y pawang natutupad. Itinakda kong ikaw ang magwawasak ng matitibay na lunsod. Mga mamamaya'y nawalan ng lakas, nanginig sa takot at napahiya. Sila'y tulad ng halaman sa gitna ng parang, mga murang daho'y nalanta sa araw; katulad ay damo sa bubong ng bahay, hindi pa pinuputol ay tuyo na sa tangkay. “Lahat ng iyong gawin ay nalalaman ko, hindi lingid sa akin anumang balak mo. Dahil sa galit mo't paglaban sa akin at paghahambog mong hindi nalilihim, kaya ang ilong mo'y kakawitin ko at ang bibig mo'y lalagyan ng kandado, at ibabalik kita sa pinanggalingan mo. “Ito ang magiging palatandaan ninyo: Sa taóng ito, ang kakainin ninyo'y bunga ng halamang dati nang nakatanim. Sa susunod na taon, ang kakainin ninyo'y ang ani sa tutubong supling ng halamang iyon. Ngunit sa ikatlong taon, magtatanim na kayo ng panibago, at ang kakainin ninyo'y ang ibubunga nito. Ang mga nalabi sa Juda ay parang halamang muling mag-uugat at mamumunga, sapagkat may malalabi mula sa Jerusalem, at may maliligtas mula sa Bundok ng Zion. Mangyayari ito dahil kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. “Kaya ito ang pasya ni Yahweh tungkol sa hari ng Asiria: Hindi siya makakalapit sa lunsod na ito; ni isang palaso ay hindi niya magagamit laban dito. Hindi siya makakalapit na may sandata o makakapagtayo ng tanggulan upang ito'y kubkubin. Saan man siya magdaan papunta dito, doon rin siya daraang pabalik. Hindi na siya makakapasok sa lunsod na ito. Sapagkat ganito ang sinasabi ni Yahweh. ‘Ipagtatanggol ko at ililigtas ang lunsod na ito alang-alang sa akin at sa lingkod kong si David.’” Nang gabing iyon, pinatay ng anghel ni Yahweh ang may 185,000 kawal na taga-Asiria sa loob mismo ng kanilang kampo. Kinaumagahan, naghambalang sa kampo nila ang mga bangkay. Dahil dito, umuwi na si Senaquerib at doon na tumira sa Nineve. Minsan, samantalang sumasamba siya sa templo ng diyus-diyosan niyang si Nisroc, pinatay siya ng dalawa niyang anak na sina Adramelec at Sarezer sa pamamagitan ng espada. Pagkatapos, tumakas sila at nagtago sa bundok ng Ararat. Humalili kay Senaquerib ang anak niyang si Esarhadon. Nang panahong iyon, nagkasakit nang malubha si Hezekias at nasa bingit na ng kamatayan, kaya siya'y dinalaw ni Isaias na anak ni Amoz. Sinabi niya sa hari ang utos na ito ni Yahweh, “Ipatawag mo ang iyong sambahayan at gawin mo na ang iyong mga huling habilin, sapagkat hindi ka na gagaling; mamamatay ka na.” Pagkarinig nito, humarap siya sa dingding at nanalangin! “O Yahweh, alam mo kung paano ako namuhay sa iyong harapan. Naglingkod ako sa iyo nang tapat at ang ginawa ko'y pawang nakalulugod sa iyong paningin.” Pagkatapos, nanangis siya nang malakas. Muling nagsalita si Yahweh kay Isaias. Ang sabi sa kanya, “Sabihin mo kay Hezekias ang sinasabi ni Yahweh, ang Diyos ng iyong ninunong si David: ‘Nakita ko ang iyong pagluha at narinig ko ang iyong dalangin; kaya dadagdagan ko pa ng labinlimang taon ang iyong buhay. Hindi lamang iyon, ikaw at ang lunsod na ito'y hindi mapapahamak, sapagkat ipagtatanggol ko kayo laban sa hari ng Asiria.’” “Ito ang palatandaang ibibigay sa iyo ni Yahweh para patunayang tutuparin niya ang kanyang pangako. Ang anino sa orasan sa palasyo ni Haring Ahaz ay pababalikin niya ng sampung guhit.” At gayon nga ang nangyari. Ito ang awit na isinulat ni Haring Hezekias ng Juda, matapos na siya'y gumaling: “Minsa'y nasabi kong sa katanghalian ng buhay, ako ay papanaw! Sa daigdig ng mga patay ako masasadlak, upang manatili doon sa buong panahon ng aking buhay. At nasabi ko ring hindi ko na makikita si Yahweh at sinumang nabubuhay sa lupa. Katulad ng toldang tirahan ng pastol, inalis na sa akin ang aking tahanan. Ang abang buhay ko'y pinuputol mo tulad ng tela sa isang tahian; ang aking akala'y wawakasan na ng Diyos ang aking buhay. Ako'y lumuluha sa buong magdamag, hindi makatulog, parang nilalansag, parang nilalamon ng leon ang aking buong katawan, ang aking akala'y wawakasan na ng Diyos ang aking buhay. Tumataghoy ako dahil sa hirap, parang isang kalapating nakakaawa. Ang mga mata ko ay pagod na rin dahil sa pagtitig doon sa itaas. O Panginoon, sa kahirapang ito ako'y iyong iligtas. Ano pa ang aking masasabi? Ang may gawa nito ay ikaw, ngunit masakit ang aking kalooban, at hindi ako makatulog. “O Panginoon, ang mga nilikha ay nabubuhay dahil sa iyo, ako'y pagalingin at ang aking lakas sana'y ibalik mo. Ang hirap na ito'y aking nalalaman, na tanging ako rin ang makikinabang. Iyong iniligtas ang buhay na ito, hindi mo hinayaang mahulog sa hukay, at pinatawad mo ako sa aking mga kasalanan. Ang patay ay hindi na makakapagpuri sa iyo, o makakaasa sa iyong katapatan. Mga buháy lamang ang makakapagpuri sa iyo, tulad ng ginagawa ko ngayon, at tulad din ng ama na itinuturo sa mga anak ang katapatan. Si Yahweh ang magliligtas sa akin, kaya sa saliw ng tugtog siya'y ating awitan. Sa banal na Templo ni Yahweh, tayo ay umawit habang nabubuhay.” Si Isaias ay nagpakuha ng pantapal na igos para sa bukol ni Hezekias, at gumaling naman ito. At itinanong ni Hezekias, “Ano ang magiging palatandaan na ako'y maaari nang umakyat sa Templo ni Yahweh?” Nabalitaan ni Merodac-Baladan na hari ng Babilonia, na anak ni Baladan, na si Hezekias ay gumaling sa kanyang karamdaman. Bilang pagbati, nagpadala siya roon ng mga sugong may dalang sulat at regalo. Labis itong ikinagalak ni Hezekias at sa katuwaa'y ipinakita niya sa mga ito ang lahat niyang kayamanan at ari-arian. Ipinakita niya ang mga itinagong pilak, ginto, mga pabango, mamahaling langis, at ang mga sandata sa arsenal. Kaya lahat ng taguan ng kanyang mga kayamanan ay nakita ng mga sugo. Nang dumating si Isaias, tinanong niya si Haring Hezekias, “Saan ba nanggaling ang mga taong ito? Anong sinabi nila sa iyo?” Sumagot ang hari, “Sa malayong lugar sila nanggaling; buhat pa sila sa Babilonia.” Nagtanong na muli si Isaias, “Ano naman ang nakita nila sa inyong palasyo?” Sinabi ng hari, “Lahat ng ari-arian ko sa palasyo, pati ang laman ng mga bodega.” Dahil dito'y sinabi ni Isaias, “Pakinggan ninyo ang ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: ‘Darating ang panahon na ang lahat ng ari-arian ninyo, pati ang tinipon ng inyong mga ninuno ay dadalhin sa Babilonia; walang matitira sa mga iyon!’ Pati ang iyong salinlahi na ipapanganak pa lamang ay dadalhin sa Babilonia at gagawin nilang mga eunuko sa palasyo ng hari.” “Ang sinabi mong iyan buhat kay Yahweh ay mabuti,” sagot ni Hezekias. Sinabi niya ito sapagkat iniisip niyang magkakaroon ng kapayapaan at kasaganaan habang siya'y nabubuhay. “Aliwin ninyo ang aking bayan,” sabi ng Diyos. “Aliwin ninyo sila! Inyong ibalita sa mga taga-Jerusalem, tapos na ang kanilang pagdurusa sapagkat nabayaran na nila ng lubos ang kasalanang ginawa nila sa akin.” Ganito ang isinisigaw ng isang tinig: “Ihanda ninyo ang daraanan ni Yahweh sa ilang; gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran sa ilang. Tambakan ang mga libis, patagin ang mga burol at bundok, at pantayin ang mga baku-bakong daan. Mahahayag ang kaluwalhatian ni Yahweh, at makikita ito ng lahat ng tao. Si Yahweh mismo ang nagsabi nito.” “Magpahayag ka!” ang sabi ng tinig. “Ano ang ipahahayag ko?” tanong ko. Sumagot siya, “Ipahayag mong ang lahat ng tao ay tulad ng damo, ang kanyang buhay ay tulad lamang ng bulaklak sa parang. Natutuyo ang damo, kumukupas ang mga bulaklak, kapag sila'y mahipan ng hanging mula kay Yahweh. Tunay ngang ang tao ay tulad ng damo. Oo, ang damo'y nalalanta, at kumukupas ang mga bulaklak, ngunit ang salita ng ating Diyos ay mananatili magpakailanman.” Umakyat ka sa tuktok ng bundok, O Zion, magandang balita ay iyong ipahayag, O Jerusalem! Sumigaw ka at huwag matatakot, sabihin mo sa mga lunsod ng Juda, “Narito na ang inyong Diyos!” Dumarating ang Panginoong Yahweh na taglay ang kapangyarihan, dala ang gantimpala sa mga hinirang. At tulad ng pastol, pinapakain niya ang kanyang kawan; sa kanyang mga bisig, ang maliliit na tupa'y kanyang yayakapin. Sa kanyang kandungan ay pagyayamanin, at papatnubayan ang mga tupang may supling. Sino ang makakasukat ng tubig sa dagat sa pamamagitan ng kanyang kamay? Sino ang makakasukat sa lawak ng kalangitan? Sinong makakapaglagay ng lahat ng lupa sa isang sisidlan? Sino kaya ang makakapagtimbang sa mga bundok at burol? Sino ang makakapagsabi ng dapat gawin ni Yahweh? May makakapagturo ba o makakapagpayo sa kanya? Sino ang kanyang puwedeng sanggunian para maliwanagan? Sinong nagturo sa kanya ng landas ng katarungan? Sinong nagkaloob sa kanya ng kaalaman at ng paraan upang makaunawa? Sa harap ni Yahweh ang mga bansa ay walang kabuluhan, tulad lang ng isang patak ng tubig sa isang sisidlan; at ang mga pulo ay parang alikabok lamang ang timbang. Hindi sapat na panggatong ang lahat ng kahoy sa Lebanon. Kulang pang panghandog ang lahat ng hayop sa gubat roon. Sa kanyang harapan, ay walang halaga ang lahat ng bansa. Saan ninyo ihahambing ang Diyos at kanino ninyo siya itutulad? Siya ba'y maihahambing sa mga imaheng ginawa ng tao, na binalutan ng ginto, at ipinatong sa pilak? Hindi rin siya maitutulad sa rebultong kahoy matigas man ang kahoy at hindi nabubulok, na nililok upang hindi tumumba at mabibili lang sa murang halaga. Hindi ba ninyo nalalaman? Wala bang nagbalita sa inyo noon, kung paano nagsimulang likhain ang sanlibutan? Ang lumikha nito ay ang Diyos na nakaupo sa kanyang trono doon sa kalangitan; mula roon ang tingin sa tao'y parang mga langgam. Ang langit ay iniladlad niyang tulad ng kurtina, tulad ng tolda upang matirahan. Inaalis niya ang mga pinuno sa kapangyarihan, at ginagawang walang kabuluhan. Tulad nila'y mga halamang walang ugat, bagong tanim at natutuyo agad; at tila dayaming tinatangay ng hangin. Kanino ninyo ihahambing ang banal na Diyos? Mayroon ba siyang katulad? Tumingala kayo sa langit! Sino ba ang lumikha ng mga bituin? Sino ba ang sa kanila'y nagpapakilos, at sino ba ang nagbigay ng kanilang pangalan? Dahil sa kanyang dakilang kapangyarihan, walang nawala sa kanila kahit isa man. Israel, bakit ka ba nagrereklamo na tila hindi pansin ni Yahweh ang kabalisahan mo, o hindi inalalayan sa kaapihang naranasan? Hindi ba ninyo nalalaman, di ba ninyo naririnig? Na itong si Yahweh, ang walang hanggang Diyos, ang siyang lumikha ng buong daigdig? Hindi siya napapagod; sa isipan niya'y walang makakaunawa. Ang mahihina't mga napapagod ay kanyang pinapalakas. Kahit na ang mga kabataan ay napapagod at nanlulupaypay. Ngunit muling lumalakas at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh. Lilipad silang tulad ng mga agila. Sila'y tatakbo ngunit hindi mapapagod, sila'y lalakad ngunit hindi manghihina. Sinabi ni Yahweh, “Tumahimik kayo at makinig, kayo na nasa malalayong lupain! Pag-ibayuhin ninyo ang inyong lakas, at dalhin sa hukuman ang inyong usapin. Doon ang panig ninyo ay papakinggan upang malaman kung sino ang may katuwiran. “Sino ang nagdala sa isang mananakop mula sa silangan, at nagbigay ng tagumpay sa lahat ng kanyang pakikipaglaban? Ang mga hari't mga bansa ay parang alikabok na lumilipad sa bawat hataw ng kanyang tabak; at parang dayaming tinatangay dahil sa kanyang pana. Buong bilis na tinutugis niya ang mga kaaway, ang kanyang mga paa'y hindi halos sumayad sa lupa. Sinong nasa likod ng lahat ng ito? Sinong nagpapagalaw sa takbo ng kasaysayan mula sa pasimula? Akong si Yahweh, na naroon na noon pa man, at mananatili hanggang sa katapusan. “Ito'y nasaksihan ng mga tao sa malalayong lupain, at nanginginig sila sa takot; kaya silang lahat ay lumapit sa akin at sumamba. Sila-sila ay nagtutulungan at nagpapayuhan, ‘Huwag kayong matakot.’ Sinabi ng mga karpintero sa mga panday-ginto, ‘Magandang trabaho!’ Hinangaan ng mga gumagawa ng rebulto ang mga nagkabit-kabit nito, at ang sabi, ‘Mahusay ang pagkahinang’; pagkatapos ay ipinako ang rebulto sa patungan nito. “Ngunit ikaw, Israel, na aking lingkod lahi ni Abraham na aking kaibigan. Ikaw ang bayang aking hinirang. Ikaw ay kinuha ko sa mga dulo ng daigdig; sa pinakamalalayong sulok nito, sinabi ko sa iyo noon, ‘Ikaw ay aking lingkod.’ Pinili kita at hindi itinakwil. Ako'y sasaiyo, huwag kang matakot, ako ang iyong Diyos, hindi ka dapat mangamba. Palalakasin kita at tutulungan, iingatan at ililigtas. “Lahat ng may galit sa iyo ay mapapahiya, at mamamatay ang sinumang lumaban sa iyo. Hahanapin ninyo sila ngunit hindi makikita, mawawala na sila ng lubusan dito sa lupa. Ako si Yahweh na inyong Diyos, ang magpapalakas sa inyo. Ako ang nagsasabi, ‘Huwag kayong matakot at tutulungan ko kayo.’” Sinabi pa ni Yahweh, “Israel, mahina ka man at maliit, huwag kang matakot, sapagkat tutulungan kita. Ako ang iyong tagapagligtas, ang banal na Diyos ng Israel. Gagawin kitang tulad ng panggiik, na may bago at matatalim na ngipin. Iyong gigiikin ang mga bundok at burol, at dudurugin hanggang maging alabok. Ihahagis mo sila at tatangayin ng hangin; pagdating ng bagyo ay pakakalatin. Magdiriwang kayo sa pangalan ni Yahweh, at pararangalan ang Banal na Diyos ng Israel. “Kapag inabot ng matinding uhaw ang aking bayan, na halos matuyo ang kanilang lalamunan, akong si Yahweh ang gagawa ng paraan; akong Diyos ng Israel ay hindi magpapabaya. Magkakaroon ng ilog sa tigang na burol, aagos ang masaganang tubig sa mga libis; gagawin kong lawa ang disyerto, may mga batis na bubukal sa tuyong lupain. Ang mga disyerto'y pupunuin ko ng akasya't sedar, kahoy na olibo at saka ng mirto; kahoy na sipres, alerses at pino. At kung magkagayon, makikita nila at mauunawaan na akong si Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel, ang gumawa at lumikha nito.” Ganito ang sabi ni Yahweh, ang Hari ni Jacob: “Kayo ay lumapit, mga diyus-diyosan, ang panig ninyo ay ipaglaban. Lumapit kayo at inyong hulaan ang mga mangyayari sa kinabukasan. Ipaliwanag ninyo sa harap ng hukuman, upang pagtuunan ng aming isipan, ang mga pangyayari sa kahapong nagdaan. Maniniwala kaming kayo nga ay diyos kapag ang hinaharap inyong mahulaan. Kayo'y magpakita ng anumang gawang mabuti, o kahit masama, nang kami'y masindak o kaya'y manghina. Kayo at ang inyong gawa'y walang kabuluhan; ang sumasamba sa inyo ay kasuklam-suklam. “Mayroon akong isang taong pinili mula sa silangan, at aking pinasasalakay mula sa hilaga. Parang lupang kanyang tatapakan ang mga hari, tulad ng pagmamasa sa putik na ginagawang palayok. Mula sa simula sino sa inyo ang nakahula na ito'y mangyayari, para masabi naming siya ay tama? Walang sinabing anuman tungkol dito ang isa man sa inyo. Akong si Yahweh ang unang nagbalita nito sa Jerusalem, nang ipasabi ko sa aking sugo ang ganito: “Ang aking bayan ay uuwi na.” Nang ako'y maghanap wala akong nasumpungang tagapayo, na handang sumagot sa sandaling magtanong ako. Lahat ng diyus-diyosan ay walang kabuluhan. Wala silang magagawang anuman dahil sila'y mahihina at walang kapangyarihan.” Sinabi ni Yahweh, “Narito ang lingkod ko na aking hinirang; ang aking pinili at lubos na kinalulugdan; ibinuhos ko sa kanya ang aking Espiritu, at siya ang magpapairal ng katarungan sa mga bansa. Hindi siya makikipagtalo o makikipagsigawan, ni magtataas ng boses sa mga lansangan. Ang marupok na tambo'y hindi niya babaliin, ilaw na aandap-andap hindi niya papatayin; katarungan para sa lahat ang kanyang paiiralin. Hindi siya mawawalan ng pag-asa o masisiraan ng loob, hangga't katarungan ay maghari sa daigdig; ang malalayong lupain ay buong pananabik na maghihintay sa kanyang mga turo.” Ang Diyos na si Yahweh ang lumikha ng kalangitan, nilikha rin niya ang lupa at nagbigay-buhay sa lahat ng bagay dito sa daigdig, kaya't sinabi ng Diyos na si Yahweh sa kanyang lingkod, “Akong si Yahweh ang tumawag sa iyo sa katuwiran, binigyan kita ng kapangyarihan upang pairalin ang katarungan sa daigdig. Sa pamamagitan mo ay gagawa ako ng kasunduan sa lahat ng tao, at sa pamamagitan mo'y dadalhin ko ang liwanag sa lahat ng bansa. Ikaw ang magbubukas sa mga mata ng mga bulag at magpapalaya sa mga bilanggo ng kadiliman. Ako si Yahweh; 'yan ang aking pangalan; walang makakaangkin ng aking karangalan; ang papuri'y sa akin, hindi sa diyus-diyosan. Ang mga dating pahayag ko ay natupad na. Mga bagong bagay ang sasabihin ko ngayon bago pa mangyari ang mga ito.” Umawit kayo ng isang bagong awit para kay Yahweh, ang buong daigdig sa kanya ay magpuri! Purihin ninyo siya, kayong mga naglalayag; kayong lahat na nilalang sa karagatan! Umawit kayong lahat na nasa malalayong kapuluan. Kayo ay magdiwang, kayong nasa disyerto, at sa mga bayan, mga taga-Kedar, kayo ay magdiwang; mga taga-Sela, kayo'y mag-awitan, kayo ay umakyat sa tuktok ng bundok at kayo'y sumigaw sa kagalakan. Kayong nasa malalayong lupain, purihin ninyo si Yahweh at parangalan. Siya ay lalabas, parang mandirigma na handang lumaban, siya ay sisigaw bilang hudyat ng pagsalakay, at ang kapangyarihan niya'y ipapakita sa mga kaaway. Sinabi ng Diyos, “Mahabang panahon na ako'y nanahimik; ngayo'y dumating na ang oras para ako ay kumilos. Parang manganganak, ako ay sisigaw sa tindi ng kirot. Ang mga bundok at burol ay aking gigibain, malalanta ang mga damo at ang iba pang mga halaman; ang mga ilog at lawa ay matutuyo, at magiging disyerto. Aakayin ko ang mga bulag, sa mga daang hindi nila nakikita. Gagawing liwanag ang kadiliman sa harapan nila, at papatagin ko ang mga daang baku-bako. Ang lahat ng ito'y aking gagawin alang-alang sa kanila. Mabibigo at mapapahiya ang lahat ng kumikilala at nagtitiwala sa mga diyus-diyosan.” Sinabi ni Yahweh, “Kayong mga bingi, ngayon ay makinig! At kayong mga bulag naman ay magmasid! Mayroon bang mas bulag pa kaysa sa aking lingkod, o mas bingi pa sa aking isinugo? Israel, napakarami mo nang nakita ngunit walang halaga sa iyo. Mayroon kang tainga ngunit ano ang iyong napakinggan?” Isang Diyos na handang magligtas itong si Yahweh, kaya ibinandila niya ang kanyang kautusan at mga tuntunin upang sundin ng kanyang bayan. Ngunit ngayong sila'y pinagnakawan, ikinulong sa bilangguan, at inalipin, sa nangyaring ito'y wala man lang nagtanggol, o kaya'y dumamay. Wala pa bang makikinig sa inyo? Hindi pa ba kayo natututo para makinig na mabuti? Sino ang nagpahintulot na manakawan ang Israel? Hindi ba si Yahweh na ating sinuway? Hindi natin siya sinunod sa halip, nilabag natin ang kanyang mga utos. Kaya ipinadama niya sa Israel ang kanyang galit, at ipinalasap ang lupit ng digmaan. Ang galit niya'y nag-aalab laban sa Israel, halos matupok na tayo, ngunit hindi pa rin tayo natuto. Israel, ito ang sinasabi ni Yahweh na lumikha sa iyo, “Huwag kang matatakot sapagkat ililigtas kita. Tinawag kita sa iyong pangalan, ikaw ay akin. Kapag dumaan ka sa malalim na tubig, sasamahan kita; tumawid ka man sa mga ilog, hindi ka malulunod; dumaan ka man sa apoy, hindi ka masusunog, hindi ka matutupok. Sapagkat ako si Yahweh na iyong Diyos, ang Banal na Diyos ng Israel na iyong Tagapagligtas. Ibibigay ko ang Egipto, Etiopia at Sheba bilang pantubos sa iyo upang ikaw ay makalaya. Ibibigay ko ang mga bansa para lang maligtas ka, sapagkat mahalaga ka sa akin; mahal kita, kaya't pararangalan kita. Huwag kang matakot, sapagkat ako'y kasama mo! Titipunin ko kayo mula sa dulong silangan hanggang sa kanluran, at ibabalik ko kayo sa inyong dating tahanan. Sasabihin ko sa mga bansa sa hilaga na kayo'y palayain. Sasabihin ko rin sa mga bansa sa timog na huwag kayong pigilan, hayaan ninyong magbalik ang aking bayan, mula sa malalayong dako; mula sa lahat ng panig ng daigdig. Sila ang aking bayan na aking nilalang, upang ako'y bigyan ng karangalan.” Sinabi ni Yahweh, “Paharapin ninyo sa akin ang aking bayan. Sila'y may mga mata ngunit hindi nakakakita, may mga tainga ngunit hindi nakakarinig. Tawagin ang mga bansa sa panahon ng paglilitis. Sino sa kanilang diyos ang makakahula sa mangyayari? Sino sa kanila ang nakahula sa nangyayari ngayon? Bayaan silang magharap ng mga saksi para patunayan ang kanilang sinasabi at patunayang sila ay tama. Bayang Israel, ikaw ang saksi ko, pinili kita upang maging lingkod ko, upang makilala mo ako at manalig ka sa akin. Walang ibang Diyos maliban sa akin, walang nauna at wala ring papalit. Ako ay si Yahweh, wala nang iba pa; walang ibang Tagapagligtas, maliban sa akin. Noong una pa man ako'y nagpahayag na. Ako ang nagligtas sa iyo, at ang nagbalita ng lahat ng ito. Noon ay wala pa kayong kinikilalang ibang diyos; kayo ang mga saksi ko. Ako ang Diyos at mananatili akong Diyos magpakailanman, walang makakatakas sa aking kapangyarihan; at walang makakahadlang sa aking ginagawa.” Sinabi pa ni Yahweh, ang Tagapagligtas, at Banal na Diyos ng Israel: “Magpapadala ako ng hukbo laban sa Babilonia alang-alang sa iyo. Gigibain ko ang mga pintuan ng kanyang lunsod at mauuwi lamang sa iyakan ang kasayahan ng mga tagaroon. Ako si Yahweh, ang iyong Diyos na Banal, ang Hari ng Israel na sa iyo'y lumalang! Iyan ang sinasabi ni Yahweh, na siyang gumawa ng daan sa gitna ng dagat, upang maging kalsadang tawiran. Siya ang nanguna upang malupig ang isang malaking hukbo. Nilipol niya ang kanilang mga kabayo. At ang kanilang mga karwahe'y winasak; sila'y nabuwal at hindi na nakabangon; parang isang ilaw na namatay ang dingas.” Ito ang sabi niya: “Ilibing mo na sa limot, at huwag nang alalahanin pa, ang mga nangyari noong unang panahon. Masdan mo, ako ay gagawa ng isang bagong bagay; ito'y nagaganap na, hindi mo pa ba makita? Gagawa ako ng isang daanan sa gitna ng disyerto, at magkakaroon ng ilog sa lugar na ito. Pararangalan ako maging ng mababangis na hayop gaya ng mga asong-gubat at mga ostrits, sapagkat nagpabukal ako ng tubig sa disyerto, upang may mainom ang mga taong hinirang ko. Nilalang ko sila upang maging aking bayan, upang ako'y kanilang laging papurihan!” Sinabi ni Yahweh, “Ngunit ikaw, Israel, ang lumimot sa akin; at ayaw mo na akong sambahin. Hindi ka na nagdadala ng mga tupang sinusunog bilang handog; hindi mo na ako pinaparangalan sa pamamagitan ng iyong mga hain. Hindi kita pinilit na maghandog sa akin, o pinahirapan man sa pagsusunog ng insenso. Hindi mo ako ibinili ng mabangong insenso o kaya'y hinandugan man lang ng taba ng hayop. Sa halip ay gumawa ka ng maraming kasalanan, pinahirapan mo ako sa iyong kasamaan. “Gayunman, ako ang Diyos na nagpatawad sa iyong mga kasalanan; hindi ko na aalalahanin pa ang iyong mga kasalanan. Magharap tayo sa hukuman, patunayan mong ikaw ay may katuwiran. Nagkasala sa akin ang kauna-unahan mong ninuno, gayon din ang iyong mga pinuno. Ang aking santuwaryo ay nilapastangan ng iyong mga pinuno, kaya pinabayaan kong mawasak ang Israel, at mapahiya ang aking bayan.” Sinabi ni Yahweh, “Ikaw Jacob, na lingkod ko, ako ay pakinggan; lahi ni Israel, ang pinili kong bayan! Akong si Yahweh ang sa iyo ay lumalang; tinulungan na kita mula nang ikaw ay isilang. Huwag kang matakot, ikaw na aking lingkod, ang bayan kong minamahal. Aking ibubuhos ang saganang tubig sa uhaw na lupa, sa tuyong lupa maraming batis ang padadaluyin. Ibubuhos ko sa iyong mga anak ang aking Espiritu, at ang mga liping susunod sa iyo ay pagpapalain. Sila ay sisibol tulad ng damong sagana sa tubig, sila'y dadaloy tulad ng halaman sa tabi ng batis. Bawat isa'y magsasabing, ‘Ako ay kay Yahweh.’ Sila ay darating upang makiisa sa Israel. Itatatak nila sa kanilang mga bisig ang pangalan ni Yahweh, at sasabihing sila'y kabilang sa bayan ng Diyos.” Ang sabi ni Yahweh, ang Hari at Tagapagligtas ng Israel, ang Makapangyarihan sa lahat: “Ako ang simula at ang wakas; walang ibang diyos maliban sa akin. Sino ang makakagawa ng mga ginawa ko? Sino ang makakapagsabi sa mga nangyari mula simula hanggang wakas? Huwag kayong matakot, bayan ko! Alam mong sa pasimula pa'y ipinahayag ko na ang mga mangyayari; kayo'y mga saksi sa lahat ng ito. Mayroon pa bang diyos maliban sa akin? Wala nang hihigit pa sa aking kapangyarihan!” Walang kuwentang tao ang mga gumagawa ng rebulto, at walang kabuluhan ang mga diyus-diyosang kanilang pinahahalagahan. Mga bulag at hangal ang sumasamba sa mga ito, kaya sila'y mapapahiya. Walang idudulot na mabuti ang paggawa ng mga rebulto para sambahin. Tandaan ninyo, ang sumasamba sa mga ito ay mapapahiya lamang. Ang mga gumagawa nito'y tao lamang, kaya't magsama-sama man sila at ako'y harapin, sila'y matatakot at mapapahiya rin. Ang panday ay kumukuha ng isang pirasong bakal at inilalagay ito sa apoy. Pagkatapos ay pinupukpok niya ito sa pamamagitan ng kanyang malakas na bisig hanggang sa magkahugis. Sa paggawa nito, siya ay nauuhaw, nagugutom at napapagod. Ang karpintero naman ay kumukuha ng isang pirasong kahoy. Ginuguhitan niya ito ng anyong tao, saka inuukit hanggang sa mayari ang isang magandang imahen. Pagkatapos, ilalagay niya ito sa kanyang bahay. Pumipili siya at pumuputol ng isang matigas na kahoy sa gubat tulad ng sedar, ensina at sipres. Maaari din siyang magtanim ng laurel at ito ay hintaying lumaki habang dinidilig ng ulan. Ang kaputol na kahoy nito ay ginagawang panggatong at ang kaputol naman ay ginagawang diyus-diyosan. Ang isang piraso ay iginagatong para magbigay ng init sa kanya at para igatong sa pagluluto. Ang isang piraso ay ginagawang rebulto para sambahin. Ang ibang piraso ng kahoy ay ginagawang panggatong. Dito siya nag-iihaw ng karne at nasisiyahan siyang kumain nito. Kung nadarama niya ang init ng apoy ay nasasabi niya ang ganito: “Salamat at hindi na ako giniginaw!” Ang natirang kahoy ay ginagawa nga niyang diyos na kanyang niluluhuran at sinasamba. Dumadalangin siya sa rebulto, “Iligtas mo ako sapagkat ikaw ang aking diyos!” Ang mga taong gayon ay mga mangmang at hindi inuunawa ang kanilang ginagawa. Tinakpan nila ang kanilang mga mata at sinarhan ang isipan sa katotohanan. Hindi na nila naisip na ang kaputol ng ginawa nilang rebulto ay ginamit na panggatong sa pagluluto ng tinapay at karneng kanilang kinain. Hindi man lamang nila itinanong sa kanilang sarili kung hindi kaya karumal-dumal ang sumamba sa isang pirasong kahoy. Ang mga gumagawa nito'y parang kumakain ng abo. Lubusan na siyang nailigaw ng kanyang maling paniniwala at mahirap nang ituwid. At hindi siya papayag na ang rebultong hawak niya ay hindi mga diyos. Sinabi ni Yahweh, “Tandaan mo Israel, ikaw ay aking lingkod. Nilalang kita upang maglingkod sa akin. Hindi kita kakalimutan. Ang pagkakasala mo'y pinawi ko na, naglahong ulap ang katulad; Ika'y manumbalik dahil tinubos na kita at pinalaya. Magdiwang kayo, kalangitan! Gayundin kayo kalaliman ng lupa! Umawit kayo, mga bundok at kagubatan, sapagkat nahayag ang karangalan ni Yahweh nang iligtas niya ang bansang Israel. “Akong si Yahweh, na iyong Tagapagligtas, ang lumikha sa iyo: Ako ang lumikha ng lahat ng bagay. Ako lamang mag-isa ang nagladlad nitong kalangitan, at nag-iisa ring lumikha ng sanlibutan. Aking binibigo ang mga sinungaling na propeta at ang mga manghuhula; ang mga marurunong ay ginagawang mangmang, at ang dunong nila'y ginawang kahangalan. Ngunit ang pahayag ng mga lingkod ko'y pawang nagaganap, at ang mga payo ng aking mga sugo ay natutupad; ako ang maysabing darami ang tao sa Jerusalem, muling itatayo ang mga gumuhong lunsod sa Juda. Isang utos ko lamang, natutuyo ang karagatan. Ang sabi ko kay Ciro, ‘Ikaw ang gagawin kong tagapamahala. Susundin mo ang lahat ng ipapagawa ko sa iyo. Ang Jerusalem ay muli mong ipatatayo, gayundin ang mga pundasyon ng Templo.’” Ito ang ipinahayag ni Yahweh kay Ciro, ang pinunong kanyang pinili, upang sakupin ang mga bansa at alisan ng kapangyarihan ang mga hari. Ibubukas ko ang mga pintuang-lunsod para sa kanya habang siya'y pumapasok. “Ako ang maghahanda ng iyong daraanan, mga bundok doo'y aking papatagin. At sa mga lunsod, mga pintong tanso'y aking wawasakin; pati kandadong bakal ay aking tatanggalin. Ibibigay ko sa iyo ang nakatagong mga kayamanan at alahas; sa gayon, malalaman mong ako si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ang siyang tumawag sa iyo. Tinawag kita sa iyong pangalan, alang-alang sa aking lingkod na si Israel na aking hinirang. Binigyan kita ng malaking karangalan, kahit hindi mo ako nakikilala. Ako si Yahweh, ako lamang ang Diyos at wala nang iba; palalakasin kita, kahit hindi mo ako nakikilala. Ginawa ko ito upang ako ay makilala mula sa silangan hanggang kanluran, at makilala nila na ako si Yahweh, ako lamang ang Diyos at wala nang iba. Ako ang lumikha ng dilim at liwanag; ako ang nagpapahintulot ng kaginhawahan at kapahamakan. Akong si Yahweh ang nagpapasya ng lahat ng ito. Padadalhan kita ng sunod-sunod na tagumpay, parang mga patak ng ulan na bumabagsak sa lupa; dahil dito'y maghahari sa daigdig ang kalayaan at katarungan. Akong si Yahweh ang magsasagawa nito.” Ang palayok ba ay makakatutol sa gumawa sa kanya? Maitatanong ba ng putik sa magpapalayok kung ano ang ginagawa nito? Masasabi ba ng palayok na hindi sanay ang gumawa sa kanya? May anak bang magtatanong sa kanyang ama, “Bakit ikaw ang aking naging ama?” At sa kanyang ina, “Bakit mo ako ipinanganak?” Ngunit ipinahayag ni Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel, ang Lumalang sa kanila: “Wala kayong karapatang magsabi sa akin tungkol sa aking mga anak at kung ano ang dapat kong gawin. Ako ang lumikha ng buong daigdig, pati mga taong doo'y tumatahan. Maging ang kalangitan, ako ang nagladlad, ako ang may kapangyarihan sa araw, buwan at mga bituin. Ako ang tumawag kay Ciro upang isagawa ang aking layunin at isaayos ang lahat ng bagay. Aking tutuwirin ang kanyang daraanan; muli niyang itatayo ang Jerusalem na aking lunsod, at kanyang palalayain ang aking bayan. Walang sinumang nagbayad o nanuhol sa kanya upang ito'y isagawa.” Ang Makapangyarihang si Yahweh ang nagsabi nito. Ang sabi ni Yahweh sa Israel, “Mapapasaiyo ang kayamanan ng Egipto at Etiopia. Magiging alipin mo ang matatangkad na lalaki ng Seba; sila'y magiging sunud-sunuran sa iyo. Yuyukuran ka nila at sasabihin: ‘Sumasaiyo ang Diyos, siya lamang ang Diyos at wala nang iba pa.’” Ang Diyos ng Israel ang Tagapagligtas ng kanyang bayan; mahiwaga siya kaya hindi kayang unawain. Hahamakin at mapapahiya ang lahat ng gumagawa ng mga diyus-diyosan. Ngunit ang Israel ay iyong ililigtas, ang tagumpay nila ay sa habang panahon at kailanma'y hindi mapapahiya. Si Yahweh ang lumikha ng kalangitan, siya rin ang lumikha ng daigdig, ginawa niya itong matatag at nananatili, at mainam na tirahan. Siya ang maysabing, “Ako si Yahweh at wala nang iba pang diyos. Lahat ng salita ko'y sinasabi nang hayagan, isa man sa layunin ko'y hindi inililihim. Hindi ko pinahirapan ang Israel sa paghanap sa akin. Ako si Yahweh, sinasabi kong lahat ang katotohanan, at inihahayag ko kung ano ang tama.” Sinabi ni Yahweh, “Halikayong lahat na mga natitirang buháy mula sa lahat ng bansa; kayong mga mangmang na nagpapasan ng mga imaheng kahoy at dumadalangin sa mga diyus-diyosan na hindi makakapagligtas. Ang mga taong ito'y walang nalalaman. Ipagtanggol ninyo ang inyong panig. Magsanggunian kayo. Sino ang makakapagsabi ng mga bagay na magaganap? Hindi ba akong si Yahweh, ang Diyos na nagliligtas sa kanyang bayan? Walang ibang diyos maliban sa akin. Lumapit kayo sa akin at kayo ay maliligtas, kayong mga tao sa buong daigdig. Walang ibang diyos maliban sa akin. Ako ay tapat sa aking pangako at hindi magbabago, at tutuparin ko ang aking mga pangako: ‘Lahat ng tao ay luluhod sa aking harapan, at mangangakong sila'y magiging tapat sa akin!’ “Sasabihin nila, si Yahweh lamang ang matuwid at malakas; at mapapahiya ang sinumang sa kanya'y maghimagsik. Akong si Yahweh ang magliligtas sa lahi ni Israel; sila'y magtatagumpay at magpupuri sa akin.” Sina Bel at Nebo na dati'y sinasamba ng mga taga-Babilonia; ngayo'y isinakay na sa likod ng mga asno at baka, at naging pabigat sa likod ng mga pagod na hayop. Hindi nila mailigtas ang kanilang sarili. Sila'y parang mga bihag na itinapon sa malayo. “Makinig kayo sa akin, lahi ni Jacob, kayong nalabi sa bayang Israel; kayo'y inalagaan ko mula sa inyong pagsilang. Ako ang inyong Diyos. Iingatan ko kayo hanggang sa pumuti ang inyong buhok at kayo'y tumanda. Kayo'y nilikha ko kaya tungkulin ko na kayo'y iligtas at tulungan.” Sinabi ni Yahweh, “Saan ninyo ako itutulad? Mayroon bang makakapantay sa akin? Binuksan nila ang kanilang sisidlan, ibinuhos ang mga gintong laman, at nagtimbang sila ng mga pilak. Umupa sila ng platero at nagpagawa ng diyus-diyosan; pagkatapos ay niluhuran nila at sinamba ito. Pinapasan nila ito para ilibot sa ibang lugar, pagkatapos ay ibabalik sa kanyang lalagyan. Mananatili ito roon at hindi makakakilos. Dalanginan man ito'y hindi makakasagot, at hindi makatutulong sa panahon ng pagsubok. “Ito ang inyong tandaan, mga makasalanan, ang bagay na ito ay alalahanin ninyo. Alalahanin ninyo ang mga nakaraang pangyayari. Inyong kilalaning ako lamang ang Diyos, at maliban sa akin ay wala nang iba. Sa simula pa'y itinakda ko na, at aking inihayag kung ano ang magaganap. Sinabi kong tiyak na magaganap ang lahat ng balak ko, at gagawin ko ang lahat ng gusto kong gawin. May tinawag na akong mandirigma sa silangan, siya ay darating na parang ibong mandaragit, at isasagawa ang lahat kong balak. Ako ang nagsasabi nito, at tiyak na matutupad. “Makinig kayo sa akin, mga taong suwail; kayong naniniwalang malayo pa ang tagumpay. Malapit na ang araw ng pagtatagumpay, ang pagliligtas ko'y hindi na magtatagal. Ililigtas ko ang Jerusalem, at doon ko bibigyan ng karangalan ang bayang Israel.” Sinabi ni Yahweh sa Babilonia, “Bumabâ ka sa iyong trono, at maupo ka sa alabok ng lupa. Dati'y para kang birhen, isang lunsod na hindi malupig. Ngunit hindi ka na ganoon ngayon, isa ka nang alipin! Hawakan mo ang batong gilingan at ikaw ay gumiling ng harina. Alisin mo na ang iyong belo, at hubarin ang magarang kasuotan; itaas mo ang iyong saya sa pagtawid sa batisan. Malalantad sa mga tao ang hubad mong katawan, mabubunyag ang kahiya-hiya mong kalagayan. Walang makakapigil sa aking gagawin. Ako'y maghihiganti.” Ang Diyos ang siyang nagligtas sa amin, siya ang Banal na Diyos ng Israel. Ang pangalan niya ay Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat. Sinabi ni Yahweh sa Babilonia, “Maupo ka na lang at manahimik doon sa dilim, sapagkat ikaw ay hindi na tatawaging reyna ng mga kaharian. Nang ako'y magalit sa mga lingkod ko, sila'y aking itinakwil; aking pinabayaan na masakop mo at maging alipin. Pinarusahan mo silang walang awa, pati matatanda'y pinagmalupitan mo. Sapagkat akala mo'y mananatili kang reyna habang panahon. Hindi mo na naisip na magwawakas ito pagdating ng araw. “Pakinggan mo ito, ikaw na mahilig sa kalayawan, at nag-aakalang ikaw ay matiwasay. Ang palagay mo sa sarili'y kasindakila ka ng Diyos, at ang paniwala mo'y wala kang katulad; inakala mong hindi ka mabibiyuda, at hindi mo mararanasan ang mamatayan ng anak. Ngunit isang araw, sa loob lamang ng isang saglit, anumang salamangka o mahika ang iyong gawin, mangyayari ang dalawang bagay na ito: Mawawala ang iyong asawa at ang iyong mga anak! “Panatag ka sa paggawa ng kasamaan; sapagkat iniisip mong walang nakakakita sa iyo. Iniligaw ka ng iyong karunungan at kaalaman, ang palagay mo sa sarili'y ikaw ang Diyos, wala nang hihigit pa sa iyo. Ngunit darating sa iyo ang kapahamakan, at walang makakahadlang kahit ang nalalaman mo sa salamangka; darating sa iyo ang sumpa, at hindi mo ito maiiwasan. Biglang darating sa iyo ang pagkawasak, na hindi mo akalaing mangyayari. “Itago mo na lang ang salamangkang alam mo mula pa sa iyong kabataan, baka sakaling magamit mo pa iyan bilang panakot sa iyong kaaway. Wala kang magagawa sa kabila ng maraming payo sa iyo; patulong ka man sa inaasahan mong mga astrologo, sa mga taong humuhula ng mangyayari bukas, batay sa kalagayan ng kalangitan at mga bituin. “Sila'y parang dayaming masusunog, kahit ang sarili nila'y hindi maililigtas sa init ng apoy; sapagkat ito'y hindi karaniwang init na pampaalis ng ginaw. Walang maitutulong sa iyo ang mga astrologo na hinihingan mo ng payo sa buong buhay mo. Sapagkat ikaw ay iiwan na nila, walang matitira upang iligtas ka.” Dinggin mo ito, O bayang Israel, kayong nagmula sa lahi ni Juda, sumumpa kayong maglilingkod kay Yahweh, at sasambahin ang Diyos ng Israel, ngunit hindi kayo naging tapat sa kanya. Ipinagmamalaki ninyong kayo'y nakatira sa banal na lunsod; at kayo'y umaasa sa Diyos ng Israel; ang pangalan niya ay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Sinabi ni Yahweh sa Israel, “Noong una pa'y alam ko na kung ano ang mangyayari. Pagkatapos ay bigla ko itong isinakatuparan. Alam kong matitigas ang inyong ulo, may leeg na parang bakal at noo na parang tanso. Kaya noon pa, ipinahayag ko na ang mangyayari sa iyo, upang kung maganap na'y huwag ninyong isipin na ang mga diyus-diyosan ang may gawa nito. “Lahat ng pahayag ko ay pawang natupad, inyo nang kilalanin ang katotohanan nito. Ngayo'y may ihahayag akong bago, mga bagay na hindi ko inihayag noon. Ngayon ko pa lamang ito gagawin; wala pang pangyayaring katulad nito noon para hindi ninyo masabing ito'y alam na ninyo. Alam kong hindi kayo mapagkakatiwalaan, sapagkat lagi na lamang kayong naghihimagsik. Kaya tungkol dito'y wala kayong alam, kahit kapirasong balita'y walang natatanggap. “Dahil na rin sa karangalan ko, ako ay nagpigil, dahil dito'y hindi ko na kayo lilipulin. Sinubok ko kayo sa pamamagitan ng kahirapan, kung paanong ang pilak ay dinadalisay sa apoy; ngunit kayo'y napatunayang hindi nararapat. Ang ginawa ko'y para na rin sa sariling kapakanan, paghamak sa ngalan ko'y hindi ko pahihintulutan. Ang karangalan ko'y tanging akin lamang, walang makakahati kahit na sinuman.” Sinabi ni Yahweh, “Makinig ka sa akin O Israel, bayang aking hinirang! Ako lamang ang Diyos; ako ang simula at ang wakas. Ako ang lumikha sa pundasyon ng daigdig, ako rin ang naglatag sa sangkalangitan; kapag sila'y aking tinawag, agad silang tutugon. “Magsama-sama kayo at makinig! Walang nakaaalam isa man sa mga diyus-diyosan, na ang hinirang ko ang lulusob sa Babilonia; at gagawin niya ang lahat ng ipapagawa ko. Ako ang tumawag sa kanya, pinatnubayan ko siya at pinagtagumpay. Kayo ay lumapit at pakinggan ang aking sasabihin. Sa mula't mula pa'y hayagan ako kung magsalita at ang sabihin ko'y aking ginagawa.” Sa kapangyarihan ng espiritu ng Panginoong Yahweh, ako'y kanyang sinugo. Ganito ang sabi ng Banal na Diyos ng Israel, ni Yahweh na sa iyo'y tumubos: “Ako ang iyong Diyos na si Yahweh. Tuturuan kita para sa iyong kabutihan, papatnubayan kita sa daan na dapat mong lakaran. “Kung sinusunod mo lang ang aking mga utos, pagpapala sana'y dadaloy sa iyo, parang ilog na hindi natutuyo ang agos. Tagumpay mo sana ay sunod-sunod, parang along gumugulong sa dalampasigan. Ang iyong lahi ay magiging sindami sana ng buhangin sa dagat, at tinitiyak kong hindi sila mapapahamak.” Lisanin ninyo ang Babilonia, takasan ninyo ang Caldea! Buong galak na inyong ihayag sa lahat ng lugar na iniligtas ni Yahweh ang lingkod niyang si Israel. Nang patnubayan ni Yahweh ang bayang Israel, sa pagtawid sa malawak at mainit na disyerto, hindi ito nauhaw bahagya man sapagkat binutas niya ang isang malaking bato, at ang tubig ay bumukal. Ang sabi ni Yahweh, “Walang kapayapaan ang mga makasalanan!” Makinig kayo mga taong naninirahan sa malalayong mga bansa. Pinili na ako ni Yahweh bago pa isilang, at hinirang niya ako para siya'y paglingkuran. Mga salita ko'y ginawa niyang singtalim ng espada, siya ang sa aki'y laging nag-iingat. Ginawa niya akong parang matulis na palaso na anumang oras ay handang itudla. Sinabi niya sa akin, “Israel, ikaw ay lingkod ko; sa pamamagitan mo ako'y pupurihin ng mga tao.” Ngunit ang sagot ko, “Ako ay nabigo sa aking pagsisikap, hindi nagtagumpay gayong ibinuhos ko ang aking lakas.” Gayunma'y ipinapaubaya ko kay Yahweh ang aking kalagayan, na ako'y kanyang gagantimpalaan sa aking nakayanan. Bago pa ako ipanganak ay hinirang na ni Yahweh; pinili niya ako para maging lingkod niya, upang tipunin ang bayang Israel na nagkawatak-watak. Binigyan ako ni Yahweh ng karangalan, sa kanya nagbubuhat ang aking kalakasan. Sinabi sa akin ni Yahweh: “Israel na aking lingkod, may mas mahalaga pa akong ipapagawa sa iyo. Bukod sa pagpapanumbalik sa mga Israelitang nalabi, gagawin din kitang liwanag sa mga bansa upang ang buong daigdig ay maligtas.” Ganito ang sinabi ni Yahweh, ang Tagapagligtas ng Israel, sa itinakwil at kinamuhian ng mga bansa at inalipin ng mga pinuno: “Makikita ng mga hari ang pagpapalaya sa iyo; sila'y titindig bilang pagpaparangal sa iyo. At yuyukod ang mga prinsipe bilang paggalang sa iyo, sapagkat hinirang ka ni Yahweh, ang banal na Diyos ng Israel.” Sinabi pa ni Yahweh sa kanyang bayan: “Sa tamang panahon ay tinugon kita, sa araw ng pagliligtas, sinaklolohan kita. Iingatan kita at sa pamamagitan mo gagawa ako ng kasunduan sa mga tao, ibabalik kita sa sariling lupain na ngayon ay wasak na. Palalayain ko ang mga nasa bilangguan at dadalhin sa liwanag ang mga nasa kadiliman. Sila'y matutulad sa mga tupang nanginginain sa masaganang pastulan. Hindi sila magugutom o mauuhaw, hindi rin sila mabibilad sa matinding hangin at nakakapasong init sa disyerto, sapagkat papatnubayan sila ng Diyos na nagmamahal sa kanila. Sila'y gagabayan niya patungo sa bukal ng tubig. Gagawa ako ng daan sa gitna ng kabundukan, at ako'y maghahanda ng lansangan, upang maging daanan ng aking bayan. Darating ang bayan ko buhat sa malayo, mula sa hilaga at sa kanluran, gayon din sa lupain ng Syene sa timog.” O langit, magpuri ka sa tuwa! Lupa, magalak ka, gayundin kayong mga bundok, sapagkat inaaliw ni Yahweh ang kanyang hinirang, sa gitna ng hirap ay kinahahabagan. Ngunit ang sabi ng mga taga-Jerusalem, “Pinabayaan na tayo ni Yahweh. Nakalimutan na niya tayo.” Ang sagot ni Yahweh, “Malilimot kaya ng ina ang sarili niyang anak? Hindi kaya niya mahalin ang sanggol niyang iniluwal? Kung mayroon mang inang lumilimot sa kanyang anak, hindi ko kayo kakalimutan kahit sandali. Jerusalem, hinding-hindi kita malilimutan. Pangalan mo'y nakaukit sa aking mga palad. Malapit nang dumating ang muling magtatayo sa iyo, at ang nagwasak sa iyo ay paalis na. Tumingin ka sa paligid at masdan ang nangyayari. Ang mga mamamayan mo'y nagtitipun-tipon na upang umuwi. Ako si Yahweh, ang Diyos na buháy, ang nagsasabi: ipagmamalaki mo sila balang araw, tulad ng babaing ikakasal na suot ang kanyang mga alahas. “Aking pinabayaan na mawasak ang iyong bansa, ngunit ngayon ito'y magiging masikip sa dami ng tao; at ang mga taong dumurog sa iyo ay itatapon sa malayo. Sasabihin ng mga anak mo balang araw na isinilang sa pinagtapunan sa inyo: ‘Ang bayang ito'y maliit na para sa atin. Kailangan natin ang mas malaking tirahan.’ Sasabihin mo naman sa iyong sarili, ‘Kaninong anak ang mga iyon? Nawala ang mga anak ko, at ako nama'y hindi na magkakaanak. Itinapon ako sa malayo, ako'y iniwang nag-iisa. Saan galing ang mga batang iyon?’” Ang sagot ng Panginoong Yahweh sa kanyang bayan: “Huhudyatan ko ang mga bansa, at ang mga anak mo'y iuuwi nila sa iyo. Ang mga hari ay magiging parang iyong ama at ang mga reyna'y magsisilbing ina. Buong pagpapakababang yuyukod sila sa iyo bilang tanda ng kanilang paggalang; sa gayon ay malalaman mong ako nga si Yahweh. Hindi mapapahiya ang sinumang magtiwala sa akin.” Mababawi pa ba ang nasamsam ng isang kawal? Maililigtas pa ba ang bihag ng isang taong malupit? Ang sagot ni Yahweh: “Ganyan ang mangyayari. Itatakas ng mga kawal ang kanilang bihag, at babawiin ang sinamsam ng malupit. Ako ang haharap sa sinumang lalaban sa iyo, at ililigtas ko ang iyong mga anak. Hihimukin kong magpatayan ang mga umaapi sa inyo. Mag-aalab ang kanilang poot, at mahuhumaling sa pagpatay. Sa gayon makikilala ng sangkatauhan na akong si Yahweh ang Makapangyarihang Diyos, ang nagligtas sa Israel.” Sinabi ni Yahweh: “Pinalayas ko ba ang aking bayan, tulad ng isang lalaking pinalayas at hiniwalayan ang kanyang asawa? Kung gayon, nasaan ang kasulatan ng ating paghihiwalay? Pinagtaksilan ko ba kayo para maging bihag, tulad ng amang nagbenta ng anak upang maging alipin? Hindi! Nabihag kayo dahil sa inyong kasalanan, itinapon kayo dahil sa inyong kasamaan. Bakit ang bayan ko'y hindi kumilos nang sila'y lapitan ko para iligtas? Nang ako'y tumawag isa ma'y walang sumagot. Bakit? Wala ba akong lakas para iligtas sila? Kaya kong tuyuin ang dagat sa isang salita lamang. Magagawa kong disyerto ang ilog upang mamatay sa uhaw ang mga isda roon. Ang bughaw na langit ay magagawa kong kasing-itim ng damit-panluksa.” Ang Panginoong Yahweh ang nagturo sa akin ng aking sasabihin, para tulungan ang mahihina. Tuwing umaga'y nananabik akong malaman kung ano ang ituturo niya sa akin. Binigyan ako ng Panginoong Yahweh ng pang-unawa, hindi ako naghimagsik o tumalikod sa kanya. Hindi ako gumanti nang bugbugin nila ako, hindi ako kumibo nang insultuhin nila ako. Pinabayaan ko silang bunutin ang aking balbas at luraan ang aking mukha. Hindi ko pinansin ang mga pag-insultong ginawa nila sa akin, sapagkat ang Panginoong Yahweh ang tumutulong sa akin. Handa akong magtiis, sapagkat aking nalalaman na ako'y hindi mapapahiya. Ang Diyos ay malapit, at siya ang magpapatunay na wala akong sala. May mangangahas bang ako'y usigin? Magharap kami sa hukuman, at ilahad ang kanyang paratang. Ang Panginoong Yahweh mismo ang magtatanggol sa akin. Sino ang makapagpapatunay na ako ay may sala? Mawawalang lahat ang nagbibintang sa akin, tulad ng damit na nginatngat ng insekto. Kayong lahat na may paggalang kay Yahweh, at sumusunod sa utos ng kanyang lingkod, maaaring ang landas ninyo ay maging madilim, gayunma'y magtiwala kayo at umasa sa kapangyarihan ng Diyos na si Yahweh. Kayo namang nagbabalak magpahamak sa iba ang siyang magdurusa sa inyong binabalak. Kahabag-habag ang sasapitin ninyo sapagkat si Yahweh ang gagawa nito. Ang sabi ni Yahweh, “Dinggin ninyo ako, kayo, na naghahanap ng kaligtasan, at humihingi ng tulong. Pagmasdan ninyo ang batong malaki na inyong pinagmulan, tingnan ninyo ang pinaghuhukayan ng bato na inyong pinanggalingan. Inyong alalahanin ang ninuno ninyong si Abraham, at ang asawa niyang si Sara na sa lahi ninyo'y nagluwal. Nang aking tawagin si Abraham, siya'y walang anak. Ngunit pinagpala ko siya at pinarami ang kanyang lahi. Aking aaliwin ang Jerusalem; at ang lahat ng nakatira sa gumuhong lunsod. Mula sa pagiging tila disyerto, gagawin ko itong tulad ng Halamanan ng Eden. Maghahari roon ang kagalakan at pagpupuri, ang awitan at pasasalamat para sa akin. “Pakinggan ninyo ako aking bayan, ihahayag ko ang kautusan at katarungan na magsisilbing tanglaw para sa lahat. Ang pagliligtas ko ay agad na darating, hindi na magtatagal at ako'y magtatagumpay. Ako'y maghahari sa lahat ng bansa. Ang malalayong bansa ay naghihintay sa akin, at ang pagliligtas ko ang kanilang inaasahan. Sa dakong itaas, sa kalangitan kayo ay tumingin, sa dakong ibaba, dito sa daigdig ay magmasid din. Katulad ng usok, itong kalangita'y pawang maglalaho, at itong daigdig mawawasak namang parang kasuotan. Ang mga naroon, lahat ng nilikha ay parang langaw na mamamatay. Ngunit ang pagliligtas ko ay walang hanggan, ang tagumpay ay walang katapusan. “Ang nakakaalam tungkol sa matuwid, sa aki'y makinig, kayong lingkod ko na tagapag-ingat ng aking kautusan. Hindi kayo dapat matakot sa puna ng tao, o manlupaypay man kung laitin kayo. Katulad ng damit ang mga taong iyan ay masisira, sila'y tulad ng tela na kakainin ng uod; ngunit walang hanggan at para sa lahat ng salinlahi ang aking tagumpay at pagliligtas.” Gumising ka, O Yahweh, at tulungan po ninyo kami! Gamitin mo ang iyong kapangyarihan at iligtas mo po kami, tulad noong una. Hindi ba't kayo ang pumuksa kay Rahab, na dambuhala ng karagatan? Kayo rin po ang nagpatuyo sa dagat at gumawa ng daan sa gitna ng tubig, kaya nakatawid nang maayos ang bayang iyong iniligtas. Ang mga tinubos ninyo'y babalik sa Jerusalem, magsisigawan sa galak, umaawit sa tuwa. Ang mamamalas sa kanilang mukha ay walang hanggang galak, at sa puso nila ang lungkot at hapis ay mawawalang lahat. Sinabi ni Yahweh, “Ako ang nagbibigay ng iyong lakas. Bakit ka matatakot sa kapwa mo tao? Mamamatay rin silang tulad ng damo. Bakit mo nilimot si Yahweh na lumikha sa iyo— siya na naglatag ng kalangitan at naglagay ng pundasyon sa mundo? Bakit lagi kang takot sa nang-aalipin? Dahil ba sa galit sila sa iyo, at gusto kang puksain? Ang galit nila'y huwag mong pansinin. Hindi na magtatagal at ang mga bihag ay palalayain, mabubuhay sila nang matagal at hindi magkukulang sa pagkain. Ako nga si Yahweh, ang Diyos na sa iyo'y lumalang. Aking hinahalo ang pusod ng dagat kaya umiingay ang mga alon. Ang pangalan ko'y Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Itinuro ko na sa iyo ang aking salita, upang ito'y maipahayag mo; at iingatan ka ng aking mga kamay. Ako ang naglatag nitong kalangitan, pati mga pundasyon ng buong daigdig, ako rin ang naglagay; sabi ko sa Jerusalem, ‘Ikaw ang aking bayan.’” Gumising ka Jerusalem! Ikaw ay magbangon, ikaw na umiinom sa kopa ng Diyos na napopoot. Inubos mo hanggang sa masaid ang laman niyon. Kaya ikaw ay susuray-suray ngayon. Sa mga anak mo, wala kahit isang sa iyo'y umaalalay, matapos palakihin, at wala man lang humahawak sa iyong mga kamay. Dalawang sakuna ang dumating sa iyo; winasak ng digmaan ang iyong lupain at nagkagutom ang mga tao. Wala isa mang umaliw sa iyo. Lupaypay na nakahandusay sa lansangan ang mga tao. Tulad nila'y usang nahuli sa bitag ng mangangaso; nadarama nila ang tindi ng poot ni Yahweh, ang galit ng inyong Diyos. Kaya ako'y inyong dinggin, kayong lupasay sa matinding hirap, at wari'y lasing gayong hindi uminom ng alak, ganito ang sabi ni Yahweh, na inyong Diyos at Tagapagtanggol, “Aalisin ko na ang kopa ng aking poot sa inyong mga kamay, at magmula ngayon hindi ka na iinom ng alak na iyan. Aking ililipat ang inuming ito sa inyong mga kaaway, na nagpahandusay sa inyo sa mga lansangan at pagkatapos kayo'y tinapakan.” Gumising ka Jerusalem, magpanibagong-lakas ka! O banal na lunsod, muli mong isuot ang mamahalin mong kasuotan, sapagkat mula ngayon ay hindi na makakapasok diyan ang mga hindi kumikilala sa Diyos. Malaya ka na, Jerusalem! Tumindig ka mula sa kinauupuang alabok, at umupo sa iyong trono. Kalagin mo ang taling nakagapos sa iyo! Ito ang sabi ni Yahweh sa kanyang bayan: “Ipinagbili kayo nang walang bayad, kaya tutubusin din kayo nang walang bayad.” Ganito ang sabi ng Panginoong Yahweh: “Sa simula, ang mga hinirang ko'y nanirahan sa Egipto bilang mga dayuhan. Pagkatapos, inalipin kayo ng mga taga-Asiria na hindi man lamang binayaran. Ganyan din ang nangyari sa inyo nang kayo'y bihagin sa Babilonia. Binihag kayo at hindi binayaran. Nagmamayabang ang mga bumihag sa inyo. Walang humpay ang kanilang paglait sa aking pangalan. Kaya darating ang araw, malalaman ninyong ako ang Diyos na nagsalita sa inyo.” O kay gandang pagmasdan sa mga kabundukan, ang sugong dumarating upang ipahayag ang kapayapaan, at nagdadala ng Magandang Balita. Ipahahayag niya ang tagumpay at sasabihin: “Zion, ang Diyos mo ay naghahari!” Narito! Sisigaw ang nagbabantay, dahil sa galak, sama-sama silang aawit; makikita nila si Yahweh na babalik sa Zion. Magsiawit kayo, mga guhong pader nitong Jerusalem; sapagkat inaliw ng Diyos ang hinirang niyang bayan; iniligtas na niya itong Jerusalem. Sa lahat ng bansa, makikita ng mga nilalang, ang kamay ni Yahweh na tanda ng kalakasan; at ang pagliligtas ng ating Diyos tiyak na mahahayag. Lisanin ninyo ang Babilonia, mga tagapagdala ng kasangkapan ng Templo. Huwag kayong hihipo ng anumang bagay na ipinagbabawal. Manatili kayong malinis at kayo ay mag-alisan. Ngayon ay lalakad kayong hindi na nagmamadali. Hindi na kayo magtatangkang tumakas. Papatnubayan kayo ni Yahweh; at iingatan sa lahat ng saglit ng Diyos ng Israel. Sinabi ni Yahweh, “Ang lingkod ko'y magtatagumpay sa kanyang gawain; mababantog siya at dadakilain. Marami ang nagulat nang siya'y makita, dahil sa pagkabugbog sa kanya, halos hindi makilala kung siya ay tao. Ngayo'y marami rin ang mga bansang magugulantang; pati mga hari kapag siya'y nakita ay matitigilan. Makikita nila ang hindi nabalita kahit na kailan, at mauunawaan ang hindi pa narinig ninuman!” Sumagot ang mga tao, “Sino ang maniniwala sa ibinabalita naming ito? Kanino mo ipinakita ang iyong kapangyarihan? Kalooban ni Yahweh na matulad sa isang halaman ang kanyang lingkod, parang ugat na natanim sa tuyong lupa. Walang katangian o kagandahang makatawag-pansin, walang taglay na pang-akit para siya ay lapitan. Hinamak siya ng mga tao at itinakwil. Nagdanas siya ng hapdi at hirap. Wala man lang pumansin sa kanya. Binale-wala natin siya, na parang walang kabuluhan. “Tunay ngang inalis niya ang ating mga kahinaan, pinagaling niya ang ating mga karamdaman. Subalit inakala nating iyo'y parusa ng Diyos sa kanya. Ngunit dahil sa ating mga kasalanan kaya siya nasugatan; siya ay binugbog dahil sa ating kasamaan. Tayo ay gumaling dahil sa pahirap na dinanas niya at sa mga hampas na kanyang tinanggap. Tayong lahat ay tulad ng mga tupang naliligaw; nagkanya-kanya tayo ng lakad. Ngunit ipinataw ni Yahweh sa kanya ang kaparusahang tayo ang dapat tumanggap. “Siya ay binugbog at pinahirapan, ngunit hindi kumibo kahit isang salita; tulad ay tupang nakatakdang patayin, parang korderong hindi tumututol kahit na gupitan, at hindi umiimik kahit kaunti man. Nang siya'y hulihin at hatulan upang mamatay, wala man lamang nagtanggol sa kanyang kalagayan. Siya ay pinatay dahil sa sala ng sangkatauhan. Siya'y inilibing na kasama ng masasama at mayayaman, kahit na siya'y walang kasalanan o nagsabi man ng kasinungalingan.” Sinabi ni Yahweh, “Ang kanyang paghihirap ay kalooban ko; ang kanyang kamatayan ay handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Dahil dito'y mabubuhay siya nang matagal, makikita ang lahing susunod sa kanya. At sa pamamagitan niya'y maisasagawa ang aking panukala. Pagkatapos ng mahabang pagdurusa, muli siyang lalasap ng ligaya; malalaman niyang hindi nawalan ng kabuluhan ang kanyang pagtitiis. Ang tapat kong lingkod na lubos kong kinalulugdan ang siyang tatanggap sa parusa ng marami, at alang-alang sa kanya sila'y aking patatawarin. Dahil dito siya'y aking pararangalan, kasama ng mga dakila at makapangyarihan; sapagkat kusang-loob niyang ibinigay ang sarili at nakibahagi sa parusa ng masasama. Inako niya ang mga makasalanan at idinalanging sila'y patawarin.” “Umawit ka Jerusalem, ang babaing hindi magkaanak! Sumigaw ka sa galak, ikaw na hindi pa nakakaranas manganak. Magiging mas marami ang iyong mga anak kaysa sa kanya na may asawa, sabi ni Yahweh.” Gumawa ka ng mas malaking tolda, palaparin mo ang kurtina niyon. Huwag mong lagyan ng hangganan ang dakong iyon, pahabain mo ang mga tali. Ibaon mo ng malalim ang mga pantulos. Sapagkat kakalat kayo sa buong daigdig, aangkinin ng inyong lahi ang ibang mga bansa; at pananahanan nila ang mga lunsod doon, na iniwanan. Huwag kang matakot o panghinaan man ng loob, sapagkat hindi ka na mapapahiya. Malilimot mo na ang kahihiyang dinanas mo noong iyong kabataan; hindi mo na maaalala ang matinding kalungkutan ng pagiging isang biyuda. Sapagkat ang Lumalang sa iyo ay ang asawa mo, ang pangalan niya'y Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Ang tagapagligtas mo ay ang Banal na Diyos ng Israel, kung tawagin siya'y Diyos ng buong sanlibutan. Israel, ang katulad mo'y asawang iniwan at ngayo'y nagdurusa, isang babaing maagang nag-asawa at pagkatapos ay itinakwil. Ngunit pinababalik ka ngayon ni Yahweh at sa iyo'y sinasabi, “Sandaling panahon kitang iniwanan; ngunit dahil sa tapat kong pag-ibig, muli kitang kakalingain. Sa tindi ng aking galit, sandali akong lumayo sa iyo, ngunit ipadarama ko sa iyo ang aking kahabagan sa pamamagitan ng pag-ibig na wagas.” Iyan ang sabi ni Yahweh na magliligtas sa iyo. “Noong panahon ni Noe, ako ay sumumpang hindi na mauulit na ang mundong ito'y gunawin sa tubig. Aking ipinapangako ngayon, hindi na ako magagalit sa iyo, at hindi na kita paparusahan muli. Maguguho ang mga bundok at ang mga burol ay mayayanig, ngunit ang wagas na pag-ibig ko'y hindi maglalaho, at mananatili ang kapayapaang aking ipinangako.” Iyan ang sinasabi ni Yahweh, na nagmamahal sa iyo. Sinabi ni Yahweh, “O Jerusalem, nagdurusang lunsod na walang umaliw sa kapighatian. Muling itatayo ang mga pundasyon mo, ang gagamitin ko'y mamahaling bato. Rubi ang gagamitin sa iyong mga tore, batong maningning ang iyong pintuan at sa mga pader ay mga hiyas na makinang. Ako mismo ang magtuturo sa iyong mga anak. Sila'y magiging payapa at uunlad ang buhay. Patatatagin ka ng katuwiran, magiging ligtas ka sa mga mananakop, at wala kang katatakutang anuman. Kung may sumalakay sa iyo, hindi ito mula sa akin; ngunit mabibigo ang sinumang sa iyo ay lumaban. Ako ang lumikha ng mga panday, na nagpapaapoy sa baga at gumagawa ng mga sandata. Ako rin ang lumikha sa mga mandirigma, na gumagamit sa mga sandata upang pumatay. Ngunit mula ngayon, wala nang sandatang gagamitin laban sa iyo, at masasagot mo ang anumang ibibintang sa iyo. Ang mga lingkod ko'y aking ipagtatanggol, at sila'y bibigyan ng pagtatagumpay.” Ito ang sinabi ni Yahweh. Sinabi ni Yahweh, “Narito ang tubig, kayong mga nauuhaw. Ang mga walang salapi ay lumapit din dito, bumili kayo ng pagkain at ito'y kainin ninyo! Bumili kayo ng alak at gatas kahit walang salaping pambayad. Bakit gumugugol kayo ng salapi sa mga bagay na hindi nakakabusog? Bakit ninyo inuubos ang perang kinita sa mga bagay na sa inyo ay hindi nagbibigay kasiyahan? Makinig kayong mabuti sa akin at sundin ang utos ko, at matitikman ninyo ang pinakamasasarap na pagkain. Makinig kayo at lumapit sa akin. Sundin ninyo ako at magkakaroon kayo ng buhay! Isang walang hanggang kasunduan ang gagawin natin; pagtitibayin ko ang aking walang hanggang pag-ibig kay David. Masdan ninyo! Ginawa ko siyang saksi sa mga bansa, pinuno at tagapagmana sa mga bayan. Iyong tatawagin ang mga bansang hindi mo kilala, mga bansang hindi ka kilala'y sa iyo pupunta. Darating sila alang-alang sa iyong Diyos na si Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel, sapagkat pinaparangalan ka niya.” Hanapin mo si Yahweh habang siya'y matatagpuan, manalangin ka sa kanya habang siya'y malapit pa. Dapat nang talikuran ang mga gawain ng taong masama, at dapat magbago ng pag-iisip ang taong liko. Sila'y dapat manumbalik, at lumapit kay Yahweh upang kahabagan; at mula sa Diyos, makakamit nila ang kapatawaran. Ang sabi ni Yahweh, “Ang aking kaisipa'y hindi ninyo kaisipan, ang inyong kaparaanan ay hindi ko kaparaanan. Kung paanong ang langit ay mas mataas kaysa lupa, ang aking kaparaanan ay higit kaysa inyong kaparaanan, at ang aking kaisipan ay hindi maaabot ng inyong kaisipan. “Ang ulan at yelo na bumabagsak mula sa langit ay hindi na nagbabalik, kundi dinidilig nito ang lupa, kaya lumalago ang mga halaman at namumunga at nagbibigay ng butil na panghasik, at tinapay upang maging pagkain. Gayundin naman ang mga salita na lumalabas sa aking bibig, ang mga ito'y hindi babalik sa akin na walang katuturan. Tutuparin nito ang aking mga balak, at gagawin nito ang aking ninanais. “May galak na lilisanin ninyo ang Babilonia, mapayapa kayong aakayin palabas ng lunsod. Aawit sa tuwa ang mga bundok at mga burol, sisigaw sa galak ang mga punongkahoy. Sa halip na mga tinik, kahoy na mayabong ang siyang tutubo; sa halip na dawag, mga kakahuyan ay muling darami at magsisilago. Ang lahat ng ito'y parangal kay Yahweh, walang hanggang tanda sa lahat ng kanyang mga ginawa.” Ang sabi ni Yahweh sa kanyang bayan: “Panatilihin ang katarungan at gawin ang tama, sapagkat ang pagliligtas ko'y hindi na magtatagal, at ang aking tagumpay ay mahahayag na. Mapalad ang taong nagsasagawa nito, siya na tumatalima sa tuntuning ito. Iginagalang niya ang Araw ng Pamamahinga, at lumalayo sa gawang masama.” Hindi dapat sabihin ng isang dayuhang nakipagkaisa sa bayan ng Diyos, na siya'y hindi papayagan ni Yahweh na makisama sa pagsamba ng kanyang bayan. Hindi dapat isipin ng mga eunuko na hindi sila karapat-dapat na mapabilang sa bayan ng Diyos sapagkat hindi sila magkakaanak. Ang sabi ni Yahweh: “Sa mga eunukong gumagalang sa Araw ng Pamamahinga, na gumagawa ng mga bagay na nakalulugod sa akin at tapat na iniingatan ang aking kasunduan. Ang pangalan mo'y aalalahanin sa aking Templo at sa gitna ng aking bayan nang mas matagal kaysa paggunita sa iyo, kung ikaw ay nagkaroon ng mga anak. Hindi ka malilimot kahit kailan.” Ito naman ang sabi ni Yahweh sa mga dating dayuhan na ngayo'y kabilang sa kanyang bayan, buong pusong naglilingkod sa kanya, iginagalang ang Araw ng Pamamahinga, at matapat na nag-iingat sa kanyang tipan: “Dadalhin ko kayo sa banal na bundok. Ipadarama ko sa inyo ang kagalakan sa aking Templo. Malulugod ako sa inyong mga handog; at ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.” Ipinangako pa ng Panginoong Yahweh, sa mga Israelitang ibinalik niya mula sa pagkatapon, na marami pa siyang isasama sa kanila para mapabilang sa kanyang bayan. Tinawag ni Yahweh ang ibang mga bansa upang salakayin at wasakin ang kanyang bayan, tulad ng pagsalakay ng mababangis na hayop mula sa kagubatan. Ang sabi niya, “Bulag ang mga pinuno na dapat magpaalala sa mga tao. Wala silang nalalaman. Para silang mga asong hindi marunong tumahol. Ang alam lang nila'y magyabang at mangarap. Ang ibig ay laging matulog. Para silang asong gutom, walang kabusugan; sila'y mga pastol na walang pang-unawa. Ginagawa nila ang anumang magustuhan at walang iniisip kundi sariling kapakanan. Ang sabi nila, “Halikayo, at kumuha kayo ng alak, uminom tayo hanggang mayroon. Mag-iinuman muli tayo bukas nang mas marami kaysa ngayon!” Ang taong matuwid kapag namamatay, walang nakakaunawa at walang nakikialam; ngunit siya'y kinukuha upang iligtas sa kapahamakan. Mapayapa ang buhay, ng taong lumalakad sa katuwiran kahit siya'y mamatay. Halikayo, mga makasalanan upang hatulan. Wala kayong pagkakaiba sa mga mangkukulam, nangangalunya at babaing masasama. Sino ba ang inyong pinagtatawanan? Sino ba ang inyong hinahamak? Mga anak kayo ng sinungaling. Sinasamba ninyo ang mga diyus-diyosan sa pamamagitan ng pakikipagtalik habang nasa ilalim ng mga punong ensina na ipinalalagay ninyong sagrado. Sinusunog ninyo bilang handog ang inyong mga anak, sa mga altar sa may libis, sa loob ng mga yungib. Makinis na bato'y sinasamba ninyo na tulad ng diyos, kayo'y kumukuha ng pagkain at alak upang ihandog; sa gawa bang ito, ako'y malulugod? Sa tuktok ng bundok, kayo'y umaahon upang maghandog, at makipagtalik. Pagpasok ng pinto, nagtayo kayo roon ng diyus-diyosan, ako'y nilimot ninyo at inyong nilayasan. Lubos kayong nag-alis ng suot ninyong damit; sa inyong higaa'y nakipagtalik sa mga lalaking inyong inupahan. Kayo ay natulog na kasama nila para pagbigyan ang inyong pagnanasa. Kayo ay nagtungo sa hari na may dalang langis ng olibo, at dinagdagan ninyo ang inyong pabango; kayo ay nagsugo sa malayong lugar at kayo mismo ang lumusong sa daigdig ng mga patay. Lubha kayong nagpagod sa maraming lakbayin, at kailan ma'y hindi sinabi na wala na itong pag-asa. Kayo ay nagpanibagong-lakas, at dahil dito ay hindi nanghina. Ang tanong ni Yahweh, “Sino ba ang inyong kinatatakutan kaya nagsinungaling kayo sa akin at lubusang tumalikod? Matagal ba akong nanahimik kaya kayo tumigil ng pagpaparangal sa akin? Akala ninyo'y tama ang inyong ginagawa. Ibubunyag ko ang masama ninyong gawa; at tingnan ko lang kung tutulungan kayo ng mga diyus-diyosang iyan. Ang diyus-diyosang tinatawag ninyo'y hindi makatutulong o makakapagligtas, kahit kayo'y managhoy; ang mga diyos ninyo'y lilipad kung hangin ay umihip, kaunting ihip lamang, sila'y itataboy. Subalit ang taong sa aki'y may tiwala at laging umaasa, ang banal na bundok at ang lupaing ito'y mamanahin niya.” Ang sabi ni Yahweh: “Ang mga hinirang ay inyong bayaang magbalik sa akin, ang bawat hadlang sa daan ay inyong alisin; ang landas ay gawin at inyong ayusin.” “Ako ang Kataas-taasan at Banal na Diyos, ang Diyos na walang hanggan. Matataas at banal na lugar ang aking tahanan, sa mababang-loob at nagsisisi, ako ay sasama, aking ibabalik ang pagtitiwala nila at pag-asa. Ako ang nagbigay ng buhay sa aking bayan, sila'y hindi ko patuloy na uusigin; at ang galit ko sa kanila'y hindi mananatili sa habang panahon. Nagalit ako sa kanila dahil sa kanilang kasalana't kasakiman, kaya sila'y aking itinakwil. Ngunit matigas ang kanilang ulo at patuloy na sumuway sa akin. Sa kabila ng ginawa nila, sila'y aking pagagalingin at tutulungan, at ang nagluluksa'y aking aaliwin. Bibigyan ko ng kapayapaan ang lahat, maging nasa malayo o nasa malapit man. Aking pagagalingin ang aking bayan. Ngunit ang masasama ay tulad ng dagat na laging maalon, walang pahinga sa buong panahon; mga burak at putik buhat sa ilalim ang iniaahon. Walang kapayapaan ang mga makasalanan.” Sabi ng aking Diyos. Sinabi ni Yahweh, “Sumigaw ka nang malakas na malakas; itaas mo ang iyong tinig gaya ng trumpeta. Ang kasalanan ng bayan ko sa kanila'y ihayag. Sinasangguni nila ako sa araw-araw, tinatanong nila ako kung paano sila mamumuhay. Kung kumilos sila ay parang matuwid, at hindi sumusuway sa mga tuntuning ibinigay ng kanilang Diyos. Humihingi sila sa akin ng matuwid na pasya; nais nila'y maging malapit sa Diyos.” Tanong ng mga tao, “Bakit hindi mo pansin ang pag-aayuno namin? Bakit walang halaga sa iyo kung kami ma'y magpakumbabá?” Sagot ni Yahweh, “Pansariling kapakanan pa rin ang pangunahing layunin ninyo sa pag-aayuno, at habang nag-aayuno'y patuloy ninyong inaapi ang mga manggagawa. Ang pag-aayuno ninyo'y humahantong lamang sa karahasan, kayo'y nagkakagalit at naglalaban-laban. Hindi tunay ang pag-aayunong ginagawa ninyo ngayon, kaya tiyak na hindi ko papakinggan, ang inyong mga dalangin sa akin. Ganyan ba ang pag-aayunong aking kaluluguran? Iyan ba ang araw na talagang nagpapakumbabá ang mga tao? Hinihiling ko ba na yumuko kayong tulad ng damong hinihipan ng hangin, o mahiga kayo sa sako at abo? Pag-aayuno na ba ang tawag ninyo diyan, isang araw na nakalulugod kay Yahweh? “Ganitong pag-aayuno ang gusto kong gawin ninyo: Palayain ninyo ang mga di-makatarungang ipinabilanggo; kalagin ninyo ang tanikala ng inyong mga inalipin. Palayain ninyo ang mga inaapi, at baliin ang mga pamatok ng mga alipin. Ang mga nagugutom ay inyong pakainin, ang mga walang tirahan ay inyong patuluyin. Ang mga walang maisuot ay inyong bigyan ng mga damit. At sa mga nangangailangang mga kamag-anak ay huwag kayong magkakait. Kung magkagayon, sisikat ang liwanag sa inyo, at matutulad kayo sa bukang-liwayway, hindi magtatagal at manunumbalik ang inyong kalusugan. Mahahayag sa inyong unahan ang mabubuti ninyong gawa, at sa inyong hulihan ay papatnubayan kayo ng kaluwalhatian ni Yahweh. Sa araw na iyon, diringgin ni Yahweh ang inyong dalangin; kapag kayo'y humingi ng tulong, sasabihin niya, ‘Naririto ako.’ “Kapag itinakwil ninyo ang pang-aapi, maling pagbibintang at pagsisinungaling; kapag ang nagugutom ay kusang-loob ninyong pakakainin, at tutulungan ang mahihirap, sisikat ang liwanag sa inyong nasa kadiliman, at ang inyong kapanglawan ay magliliwanag gaya ng sa katanghaliang-tapat. Patuloy kayong papatnubayan ni Yahweh at ibibigay ang pangangailangan sa gitna ng disyerto. Palalakasin niyang muli ang inyong mga buto. At magiging tulad kayo ng isang hardin, na binubukalan ng masaganang tubig, o isang batis na hindi natutuyo. Muli ninyong itatayo ang kutang gumuho, at itatatag ito sa dating pundasyon. Makikilala kayo bilang tagapagtayo ng mga nawasak na pader, mga tagapagtatag ng bagong pamayanan.” Sinabi pa ni Yahweh, “Inyong igagalang ang takdang Araw ng Pamamahinga, huwag kayong gagawa para sa pansariling kapakanan sa araw na banal. Sa araw na ito'y mamamahinga kayo at huwag maglalakbay, o gagawa o mag-uusap ng tungkol sa mga bagay na walang kabuluhan. At kung magkagayon, madarama ninyo ang kagalakan ng paglilingkod sa akin. Bibigyan ko kayo ng karangalan sa harap ng buong daigdig; at tatamasahin ninyo ang kaligayahan habang naninirahan sa lupaing ibinigay ko sa ninuno ninyong si Jacob. Mangyayari ito sapagkat akong si Yahweh ang nagsabi nito.” Tingnan ninyo, si Yahweh ay may kakayahan upang iligtas ka; siya'y hindi bingi upang hindi marinig ang inyong hinaing. Ang masasama ninyong gawa ang dahilan ng pagkawalay ninyo sa Diyos. Nagkasala kayo kaya hindi ninyo siya makita, at hindi niya kayo marinig. Natigmak sa dugo ang inyong mga kamay, ang inyong mga daliri'y sanhi ng katiwalian. Ang inyong mga labi ay puno ng kasinungalingan; ang sinasabi ng inyong mga dila ay pawang kasamaan. Hindi makatarungan ang inyong pagsasakdal sa hukuman; hindi rin matapat ang hatol ng inyong mga hukom. Ang inyong batayan ay hindi tamang pangangatuwiran, at ang pananalita ninyo'y pawang kasinungalingan. Ang iniisip ninyo'y pawang kaguluhan na nagiging sanhi ng maraming kasamaan. Mga itlog ng ahas ang kanilang pinipisa, mga sapot ng gagamba ang kanilang hinahabi. Sinumang kumakain ng itlog na ito'y mamamatay; bawat napipisa ay isang ulupong ang lumilitaw. Hindi magagawang damit ang mga sapot, hindi nito matatakpan ang kanilang mga katawan. Ang mga ginagawa nila'y kasamaan, pawang karahasan ang gawa ng kanilang mga kamay. Mabilis ang kanilang paa sa paggawa ng masama, nagmamadali sila sa pagpatay ng mga walang sala; pawang kasamaan ang kanilang iniisip. Bakas ng pagkawasak ang kanilang iniiwan sa kanilang malalawak na lansangan. Hindi nila alam ang landas patungo sa kapayapaan, wala silang patnubay ng katarungan; liku-likong landas ang kanilang ginagawa; ang nagdaraan doo'y walang kapayapaan. Dahil dito, ang katarungan ay malayo sa amin, hindi namin alam kung ano ang katuwiran. Alam na namin ngayon kung bakit hindi kami iniligtas ng Diyos, sa mga nagpahirap sa amin. Umasa kaming liwanag ay darating, ngunit kadiliman ang aming kinasadlakan. Tulad nami'y bulag na nangangapa sa paglakad, nadarapa kami tulad ng mga walang paningin. Sa katanghaliang-tapat, kami'y natatalisod na para bang gabi na, parang kami'y nasa dilim tulad ng mga patay. Umuungal tayong lahat na gaya ng mga oso; dumaraing tayo at nagdadalamhati tulad ng mga kalapati. Ang hinihintay nating katarungan ay hindi dumarating. Nais nating maligtas sa kaapihan at kahirapan ngunit ang kaligtasan ay malayo. Yahweh, maraming beses kaming naghimagsik laban sa iyo; inuusig kami ng aming mga kasalanan. Alam naming kami'y naging makasalanan. Nalalaman namin ang aming mga pagkakasala. Naghimagsik kami sa iyo, O Yahweh, at itinakwil ka namin at hindi na sumunod sa iyo. Ang sinasabi namin ay pawang pang-aapi at pagtataksil; ang inuusal ng aming mga bibig ay mga kasinungalingan, na katha ng aming mga isip. Itinakwil namin ang katarungan at lumayo kami sa katuwiran. Ang katotohanan ay nahandusay sa mga liwasang-bayan, at hindi makapanaig ang katapatan. Hindi matagpuan ang katotohanan, kaya nanganganib ang buhay ng mga tao, na ayaw gumawa ng kasamaan. Nang makita ni Yahweh na wala nang katarungan, siya ay nalungkot. Nakita niya na wala kahit isang magmalasakit sa mga api. Dahil dito'y gagamitin niya ang kanyang kapangyarihan upang sila'y iligtas, at siya'y magtatagumpay. Ang suot niya sa dibdib ay baluti ng katuwiran, at sa kanyang ulo naman ang helmet ng kaligtasan. Paghihiganti ang kanyang kasuotan, at poot naman ang kanyang balabal. Paparusahan niya ang mga kaaway ayon sa kanilang ginawa, kahit ang nasa malalayong lugar ay kanyang gagantihan. Kaya katatakutan siya ng mga taga-kanluran, at dadakilain sa dakong silangan; darating si Yahweh, tulad ng malakas na agos ng tubig, gaya ng ihip ng malakas na hangin. Sinabi ni Yahweh sa kanyang bayan, “Pupunta ako sa Zion upang tubusin ang mga taong mula sa lahi ni Jacob na magsisisi sa kanilang kasalanan. Ito ang aking kasunduan sa inyo,” sabi ni Yahweh. “Ibinigay ko na ang aking kapangyarihan at mga katuruan upang sumainyo magpakailanman. Mula ngayon ay susundin ninyo ako at tuturuan ang inyong mga anak at salinlahi na sumunod sa akin sa buong panahong darating.” Bumangon ka, Jerusalem, at sumikat na tulad ng araw. Liliwanagan ka ng kaluwalhatian ni Yahweh. Mababalot ng kadiliman ang buong daigdig; ngunit ikaw ay liliwanagan ni Yahweh, at mapupuspos ka ng kanyang kaluwalhatian. Ang mga bansa ay lalapit sa iyong liwanag, ang mga hari ay pupunta sa ningning ng iyong pagsikat. Pagmasdan mo ang iyong kapaligiran, ang lahat ay nagtitipun-tipon upang magtungo sa iyo; manggagaling sa malayo ang mga anak mong lalaki; ang mga anak mong babae'y kakargahing parang mga bata. Magagalak ka kapag nakita sila; sa iyong damdami'y pawang kasiyahan ang madarama; sapagkat malaking yaman buhat sa karagata'y iyong matatamo, at mapapasaiyo ang kayamanan ng maraming bansa. Darating ang maraming pangkat ng kamelyo mula sa Midian at Efa; buhat sa Seba ay darating silang may dalang mga ginto at insenso, at naghahayag ng pagpupuri kay Yahweh. Lahat ng kawan ng tupa sa Kedar ay dadalhin sa iyo, at paglilingkuran ka ng mga barakong tupa sa Nebaiot. Ihahain sila bilang handog sa aking altar at pararangalan ko ang aking Templo. Sino ang mga ito na lumilipad na tulad ng mga ulap, at gaya ng mga kalapating bumabalik sa tahanan? Ang mga malalaking barko ay hinihintay sa daungan; upang dalhin ang iyong mga anak mula sa malalayong lupain. May mga dala silang ginto at pilak, bilang pagpaparangal kay Yahweh na iyong Diyos, ang Banal na Diyos ng Israel, sapagkat ikaw ay kanyang pinaparangalan. Sinabi ni Yahweh sa Jerusalem, “Mga dayuhan ang muling magtatayo ng iyong mga pader, at maglilingkod sa iyo ang kanilang mga hari. Nang ako'y mapoot, ikaw ay pinarusahan ko, ngunit ngayo'y tinutulungan kita at kinahahabagan. Ang mga pintuan mo'y aking ibubukas araw at gabi, upang dito papasok ang mga hari ng mga bansa, at dalhin sa iyo ang kanilang mga kayamanan. Ngunit ang bansa o kahariang hindi maglilingkod sa iyo ay ganap na wawasakin. At ang kayamanan ng Lebanon ay magiging iyo; sama-samang pagagandahin ang aking santuwaryo; sa pamamagitan ng mga kahoy na mahuhusay, tulad ng sipres, pino at iba pa. Upang lalong maging maningning ang aking tahanan. Nakayukong lalapit sa iyo bilang paggalang ang mga salinlahi ng mga bansang sa iyo'y umapi; hahalik sa iyong paa ang mga humahamak sa iyo, at tatawagin ka nilang, ‘Zion, ang lunsod ni Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel.’ “Hindi na kita pababayaan at kapopootan o iiwang mag-isa. Ikaw ay kanilang itataas at dadakilain; magiging lugar ng kaligayahan magpakailanman. Aalagaan ka ng mga hari't mga bansa, tulad ng pag-aalaga ng isang ina sa kanyang anak. Malalaman mong akong si Yahweh ang iyong Tagapagligtas; at palalayain ka ng Makapangyarihang Diyos ni Jacob. “Sa halip na tanso ay bibigyan kita ng gintong dalisay, pilak ang bigay ko sa halip na bakal; sa halip na kahoy, tanso ang dala ko, papalitan ko ng bakal ang dati'y bato. Ang kapayapaan ay paghahariin sa iyo, at ang katarungan ay mararanasan mo. Ang ingay ng ‘Karahasan’ ay hindi na maririnig pa, gayundin ang ‘Pagwasak’ sa iyong nasasakupan; ang iyong mga pader ay tatawagin mong ‘Kaligtasan,’ at ‘Papuri’ naman ang iyong mga pintuan. “Sa buong maghapon ay wala nang araw na sisikat, sa buong magdamag ay wala nang buwan na tatanglaw, sapagkat si Yahweh mismo ang magiging ilaw mo magpakailanman, at ang iyong Diyos ang liwanag mong walang katapusan. Kailanma'y hindi na lulubog ang iyong araw, at ang iyong buwan ay hindi na rin maglalaho; si Yahweh ang iyong magiging walang hanggang ilaw, at ang mga araw ng iyong kapighatian ay mawawala. Ang mamamayan mo'y magkakaroon ng matuwid na pamumuhay, kaya ang lupain ay aariin nila magpakailanman. Sila'y nilikha ko at itinanim, upang ihayag nila ang aking kadakilaan. Ang pinakamaliit na lipi ninyo ay dadaming mainam, at ang munting bansa ay magiging makapangyarihan. Ako si Yahweh na kaagad tutupad sa aking mga pangako kapag dumating na ang takdang panahon.” Ang Espiritu ng Panginoong Yahweh ay sumasaakin sapagkat ako'y kanyang hinirang; sinugo niya ako upang dalhin ang Magandang Balita sa mga inaapi, upang pagalingin ang mga sugatang-puso, upang ipahayag sa mga bihag at sa mga bilanggo na sila'y lalaya. Sinugo niya ako upang ipahayag na darating na ang panahon ng pagliligtas ni Yahweh; at ang paghihiganti ng Diyos laban sa kanyang mga kaaway; sinugo niya ako upang aliwin ang mga nagluluksa; upang pasayahin ang mga tumatangis sa Zion, kaligayahan sa halip na bigyan ng kapighatian, awit ng kagalakan sa halip na kalungkutan; matutulad sila sa mga punong itinanim ni Yahweh, na ginagawa kung ano ang makatuwiran, at maluluwalhati ang Diyos dahil sa kanilang ginawa. Muli nilang itatayo ang mga sirang lunsod, na napakatagal nang wasak at tupok. Paglilingkuran kayo ng mga dayuhan, at sila ang magpapastol ng inyong mga kawan; mga dayuhan din ang magsasaka ng inyong lupain at mag-aalaga ng inyong ubasan. Ngunit kayo nama'y tatawaging mga pari ni Yahweh, at makikilalang mga lingkod ng ating Diyos. Pagpipistahan ninyo ang kayamanan ng mga bansa. Ipagmamalaking inyo na ang karangyaang dati'y sa kanila. Sa halip na kahihiyan, ang bayan ko'y tatanggap ng kasaganaan. Sa halip na paghamak, sila'y magsasaya sa kanilang minana, magiging doble ang inyong kayamanan; at ang inyong kagalaka'y magpasawalang hanggan. Ang sabi ni Yahweh: “Ako'y namumuhi sa kasalanan at pang-aalipin; ang nais ko'y katarungan. Gagantimpalaan ko ang mga taong tapat sa akin, walang hanggang tipan ang aking gagawin para sa kanila. Ang lahi nila ay makikilala sa lahat ng bansa, ang mga anak nila'y sisikat sa gitna ng madla; sinumang makakita sa kanila ay makikilalang sila ang aking bayang pinagpala.” Buong puso akong nagagalak kay Yahweh. Dahil sa Diyos ako'y magpupuri sapagkat sinuotan niya ako ng damit ng kaligtasan, at balabal ng katuwiran, gaya ng lalaking ikakasal na ang palamuti sa ulo'y magagandang bulaklak, gaya ng babaing ikakasal na nakasuot ng mga alahas. Kung paanong sa lupa'y sumisibol ang halaman, at sa hardin ay lumilitaw ang binhing itinanim, ipapakita ng Panginoong Yahweh, ang kanyang katuwiran at papuri sa harap ng lahat ng bansa. Magsasalita ako para lumakas ang loob ng Jerusalem. Hindi ako tatahimik hanggang hindi niya nakakamit ang kaligtasan; hanggang sa makita ang kanyang tagumpay na parang sulong nagliliyab. Makikita ng mga bansa ang pagpapawalang-sala sa iyo, at ng lahat ng hari ang iyong kaningningan. Ikaw ay tatawagin sa isang bagong pangalan, na si Yahweh mismo ang magkakaloob. Ikaw ay magiging magandang korona sa kamay ni Yahweh, isang maharlikang putong na hawak ng Diyos. Hindi ka na tatawaging ‘Pinabayaan,’ at ang lupain mo'y hindi na rin tatawaging ‘Asawang Iniwanan.’ Ang itatawag na sa iyo'y ‘Kinalulugdan ng Diyos,’ at ang lupain mo'y tatawaging ‘Maligayang Asawa,’ sapagkat si Yahweh ay nalulugod sa iyo, at ikaw ay magiging parang asawa sa iyong lupain. Tulad ng isang binatang ikinakasal sa isang birhen, ikaw ay pakakasalan ng sa iyo ay lumikha, kung paanong nagagalak ang binata sa kanyang kasintahan, ganoon din ang kagalakan ng Diyos sa iyo. Naglagay ako ng mga bantay sa mga pader mo, Jerusalem; hindi sila tatahimik araw at gabi. Ipapaalala nila kay Yahweh ang kanyang pangako, upang hindi niya ito makalimutan. Huwag ninyo siyang pagpapahingahin hanggang hindi niya naitatatag muli itong Jerusalem; isang lunsod na pinupuri ng buong mundo. Sumumpa si Yahweh at gagawin niya iyon sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan: “Hindi na ibibigay ang inyong ani upang kainin ng mga kaaway; hindi rin makakainom ang mga dayuhan, sa alak na inyong pinaghirapan. Kayong nagpagod at nagpakahirap, nagtanim, nag-ani, ang siyang makikinabang at magpupuri kay Yahweh; kayong nag-alaga at nagpakahirap sa mga ubasan, kayo ang iinom ng alak sa mga bulwagan ng aking Templo.” Pumasok kayo at dumaan sa mga pintuan! Gumawa kayo ng daan para sa ating kababayang nagsisibalik! Maghanda kayo ng malawak na lansangan! Alisan ninyo ito ng mga bato! Maglagay kayo ng mga tanda upang malaman ng mga bansa, na si Yahweh ay nagpapahayag sa buong lupa: Sabihin mo sa mga taga-Zion, “Narito, dumarating na ang inyong Tagapagligtas; dala niya ang gantimpala sa mga hinirang.” Sila'y tatawagin ng mga tao na ‘Bayang Banal, na Tinubos ni Yahweh.’ Tatawagin silang ‘Lunsod na Minamahal ng Diyos,’ ‘Lunsod na hindi Pinabayaan ng Diyos.’ “Sino itong dumarating na buhat sa Edom, buhat sa Bozra na ang maringal na kasuotan ay kulay pula? Sino ang magiting na lalaking ito na kung lumakad ay puno ng kasiglahan? Ako ang nagbabadya ng tagumpay; ang kalakasan ko'y sapat na upang kayo ay iligtas.” “Bakit pula ang iyong suot? Tulad ng damit ng nagpipisa ng ubas upang gawing alak?” Ang sagot ni Yahweh: “Pinisa ko ang mga bansa na parang ubas, wala man lang tumulong sa akin; tinapakan ko sila sa tindi ng aking galit, kaya natigmak sa dugo ang aking damit. Nagtakda na ako ng araw upang maghiganti, sapagkat dumating na ang panahon ng aking pagliligtas. Ako'y naghanap ng makakatulong ngunit walang nakita kahit isa; ako'y pinalakas ng aking galit, at mag-isa kong nakamit ang pagtatagumpay. Sa tindi ng aking galit ay dinurog ko ang mga bansa, aking ibinuhos ang kanilang mga dugo sa lupa.” Aking sasaysayin ang pag-ibig ni Yahweh na hindi nagmamaliw; pupurihin ko siya sa lahat ng bagay na kanyang ginawa para sa atin. Tunay na kanyang pinagpala ang bayang Israel, dahil sa kahabagan niya at wagas na pag-ibig. Sinabi ni Yahweh, “Sila ang bayan ko na aking hinirang, kaya hindi nila ako pagtataksilan.” Iniligtas niya sila sa kapahamakan at kahirapan. Hindi isang anghel, kung hindi si Yahweh mismo ang nagligtas sa kanila; iniligtas sila dahil sa pag-ibig niya't habag, na sa simula pa ay kanya nang ipinakita. Ngunit sa kabila nito, sila'y naghimagsik at pinighati nila ang kanyang banal na Espiritu; dahil doon naging kaaway nila si Yahweh. Pagkatapos, naalala nila ang panahon ni Moises, ang lingkod ni Yahweh. Ang tanong nila, “Nasaan na si Yahweh, na nagligtas sa mga pinuno ng kanyang bayan nang sila'y tumawid sa Dagat ng mga Tambo? Nasaan na si Yahweh, na nagbigay ng kanyang banal na Espiritu kay Moises? Sa pangalan ni Yahweh, hinawi ni Moises ang tubig ng dagat, kaya ang Israel doon ay naligtas. At siya ay natanyag sa lahat para sa kanyang sarili.” Natawid nila ang karagatan sa tulong ni Yahweh, parang kabayong matatag na hindi nabuwal. Kung paanong ang kawan ay dinadala sa sariwang pastulan, ang Espiritu ni Yahweh ang nagbigay ng kapahingahan sa kanyang bayan, at sila'y ginabayan upang siya ay maparangalan. Magmula sa langit tunghayan mo kami Yahweh, at iyong pagmasdan mula sa iyong dakila at banal na trono. Saan ba naroon ang malasakit mo at kapangyarihan? Pag-ibig mo at kahabagan, huwag kaming pagkaitan. Kung walang nagawa sa amin si Jacob at Abraham, ikaw lamang, Yahweh, ang aming pag-asa at Amang aasahan; tanging ikaw lamang ang nagliligtas ng aming buhay. Bakit ba, O Yahweh, kami'y tinulutang maligaw ng landas, at ang puso nami'y iyong hinayaang maging matigas? Balikan mo kami at iyong kaawaan, mga lingkod mo na tanging iyo lamang. Kami, na iyong banal na bayan ay sandaling itinaboy ng mga kaaway; winasak nila ang iyong santuwaryo. Ang turing mo sa amin ay parang hindi mo pinamahalaan; ang nakakatulad ay mga nilalang na di nakaranas na iyong pagharian. Bakit hindi mo buksan ang langit at bumabâ ka sa mundong ibabaw, upang ang mga bundok ay manginig sa takot sa iyong harapan? Sila'y manginginig na parang tubig na kumukulo sa init ng apoy. Ipakita mo ang iyong kapangyarihan sa iyong mga kaaway, upang manginig ang mga bansa sa iyong harapan. Nang ikaw ay dumating sa nakaraang panahon, gumawa ka ng mga bagay na nakakapangilabot na hindi namin inaasahan; ang mga bundok ay nanginig sa takot nang ikaw ay makita. Sangkatauhan ay wala pang nakikita o naririnig na Diyos maliban sa iyo; ikaw na tumutugon sa mga dalangin ng mga umaasa sa iyo. Tinatanggap mo ang mga taong nagagalak gumawa ng tama; at sila na sa iyo'y nakakaalala sa nais mong maging buhay nila. Ngunit kapag patuloy kaming nagkakasala, ikaw ay nagagalit. At sa kabila ng iyong poot, patuloy kami sa paggawa ng masama. Lahat tayo'y naging marumi sa harapan ng Diyos; ang mabubuting gawa nati'y maruruming basahan ang katulad. Nalanta na tayong lahat gaya ng mga dahon; tinatangay tayo ng malakas na hangin ng ating kasamaan. Walang sinumang tumatawag sa pangalan mo; walang sinumang bumabangon upang sa iyo'y lumapit. Kami'y iyong pinagtaguan, at dahil sa aming mga kasalanan, kami'y iyong pinuksa. Gayunman, O Yahweh, ikaw pa rin ang aming Ama. Kami ang putik at ikaw ang magpapalayok. Ikaw ang sa ami'y humubog. O Yahweh huwag kang mapoot sa amin ng labis; huwag mo nang alalahanin magpakailanman ang aming mga kasamaan; mahabag ka sa amin sapagkat kami'y iyong bayan. Ang mga banal na lunsod mo'y naging mga disyerto; ang Jerusalem ay naging mapanglaw na guho. Ang aming banal at magandang Templo, na sinasambahan ng aming mga ninuno, ngayon ay sunog na; at ang lahat ng lugar na kawili-wiling pagtipunan, ay wasak nang tuluyan. O Yahweh, pagkatapos ng mga bagay na ito, ano ang iyong gagawin? Tatahimik ka ba at patuloy kaming pahihirapan? Sinabi ni Yahweh: “Nakahanda akong sagutin ang panalangin ng aking bayan, ngunit hindi naman sila nananalangin. Nakahanda akong magpakita sa naghahanap sa akin, ngunit hindi naman sila naghahanap. Sinasabi ko sa bansang ayaw tumawag sa akin, ‘Narito ako upang ikaw ay tulungan.’ Buong maghapong nakaunat ang aking mga kamay, sa isang bansang mapanghimagsik, at ginagawa ang lahat ng magustuhan nila. Sinasadya nilang ako ay galitin, naghahandog sila sa mga sagradong hardin, at nagsusunog ng mga insenso sa mga altar ng pagano. Pagsapit ng gabi'y nagpupunta sila sa mga puntod at nitso upang sangguniin ang kaluluwa ng patay na tao. Kumakain sila ng karneng-baboy, at maruming sabaw ng karneng handog ng pagano. Ang sabi pa ng isa sa kanila, ‘Lumayo kayo! Huwag kayong lalapit sapagkat mas malinis ako sa inyo.’ Ang mga taong ito'y parang usok sa aking ilong, tulad ng apoy na nagniningas sa buong maghapon. Tingnan ninyo! Lahat ay naisulat na sa aking harapan. Hindi ako maaaring tumahimik. Ngunit paparusahan ko ang kanilang mga kasalanan; pagbabayarin ko sila, sa kanilang kasalanan at sa kasalanan ng kanilang mga ninuno. Nagsusunog sila ng insenso sa kabundukan at ako'y sinusuway nila sa kaburulan. Karapat-dapat na parusa ang igagawad ko sa kanilang mga gawa. Sinabi ni Yahweh sa kanyang bayan: “Ang isang kumpol na ubas ay maaaring gawing alak, kaya ang sabi ng mga tao, ‘Huwag ninyo itong sirain, sapagkat mayroon itong pagpapala!’ Ganyan din ang gagawin ko alang-alang sa aking mga lingkod, hindi ko sila ganap na wawasakin. Pagpapalain ko ang mga salinlahi ni Jacob, at kay Juda ibibigay ko ang aking mga bundok. Mananahan doon ang aking mga bayan na naglingkod sa akin. Ako ay sasambahin ng aking mga lingkod, at kanilang pangungunahan ang kanilang mga tupa at baka sa pastulan sa kapatagan ng Sharon sa kanluran at sa Libis ng Kaguluhan sa gawing silangan. Ngunit kayo na nagtakwil kay Yahweh at lumilimot sa aking banal na bundok, kayo na sumamba kay Gad at Meni, mga diyos ng suwerte at kapalaran; itatakda ko kayong sa espada mamatay, ang mga leeg ninyo'y tatagpasin ng palakol. Sapagkat tinawag ko kayo ngunit hindi kayo sumagot, kinausap ko kayo ngunit hindi kayo nakinig. Ang ginawa ninyo'y pawang kasamaan sa aking paningin, pinili ninyo ang hindi nakalulugod sa akin.” Kaya ganito ang sabi ng Panginoong Yahweh: “Ang mga lingkod ko'y magsisikain, samantalang kayo'y aking gugutumin; ang mga lingkod ko ay aking paiinumin, ngunit kayo'y aking uuhawin; ang mga lingkod ko'y pawang kagalakan ang tatamasahin, samantalang kayo'y aking hihiyain. Sa laki ng tuwa ay mag-aawitan ang aking mga lingkod, samantalang kayo'y tataghoy sa hirap at sama ng loob. Ang pangalan ninyo'y susumpain ng aking mga hinirang, sa kamay ng Panginoong Yahweh kayo'y mamamatay, samantalang bibigyan niya ng bagong pangalan ang kanyang mga lingkod. Sinuman sa lupain ang nais na pagpalain, doon siya humingi sa Diyos na matapat. At sinuman ang gustong mangako, sa pangalan ng Diyos na matapat, gawin niya ito. Mapapawi na at malilimutan, ang hirap ng panahong nagdaan.” Ang sabi ni Yahweh: “Ako ay lilikha ng isang bagong lupa at bagong langit; ang mga bakas ng nakaraan ay ganap ng malilimutan. Kaya naman kayo'y dapat na magalak sa aking ginawa, ang Jerusalem na aking nilikha ay mapupuno ng saya, at magiging masaya ang kanyang mamamayan. Ako mismo'y magagalak dahil sa Jerusalem at sa kanyang mamamayan. Doo'y wala nang pagtangis o panaghoy man. Ang mga sanggol ay hindi na mamamatay, lahat ng titira roon ay mabubuhay nang matagal. Ituturing pa rin na isang kabataan ang taong sandaang taon na, at ang hindi umabot sa gulang na ito ay ituturing na isinumpa. Magtatayo sila ng mga tahanang kanilang titirhan, magtatanim sila ng ubas at sila rin ang aani. Hindi tulad noong una, sa bahay na ginawa'y iba ang tumira. Sa tanim na halama'y iba ang nakinabang. Tulad ng punongkahoy hahaba ang buhay ng aking mga hirang, lubos nilang papakinabangan ang kanilang pinagpaguran. Anumang gawaing paghirapan nila'y tiyak na magbubunga, at hindi magdaranas ng mga sakuna ang mga anak nila; pagpapalain ko ang lahi nila, at maging ang mga susunod pa. Ang dalangin nila kahit hindi pa tapos ay aking diringgin, at ibibigay ko ang kanilang hinihiling. Dito'y magsasalong parang magkapatid, ang asong-gubat at tupa, ang leon ay kakain ng damo tulad ng baka. At ang ahas naman na ang pagkain ay alabok kahit tapakan mo'y hindi ka mangangamba. Magiging panatag at wala nang masama sa banal na bundok. Sa Bundok ng Zion ay walang makakapinsala o anumang masama.” Ito ang sabi ni Yahweh: “Ang aking trono ay ang kalangitan, at ang daigdig ang aking tuntungan. Anong klaseng bahay ang gagawin mo para sa akin? Anong klaseng lugar ang aking titirhan? Sa lahat ng bagay ako ang maylikha, kaya ako ang may-ari ng lahat ng ito. Ako'y nalulugod sa mga taong nagpapakumbabá at nagsisipagsisi, sa mga may takot at sa utos ko'y sumusunod. Ginagawa ng tao ang kanyang maibigan, at matutuwa pang gumawa ng kasamaan. Para sa kanya ay walang kaibahan ang handog na toro o kaya ay tao; ang handog na tupa o patay na aso; ang handog na pagkaing butil o dugo ng baboy; ang pagsusunog ng insenso o ang pagdarasal sa diyus-diyosan. Natutuwa sila sa nakakahiyang pagsamba. Dahil dito, ipararanas ko sa kanila ang kapahamakang kinatatakutan nila. Sapagkat nang ako'y tumawag walang tumugon kahit na isa; nang ako'y magsalita, walang gustong makinig. Ginusto pa nila ang sumuway sa akin at gumawa ng masama.” Pakinggan ninyo si Yahweh, kayong natatakot at sumusunod sa kanyang salita: “Kinamumuhian at itinataboy kayo ng inyong sariling kababayan, nang dahil sa akin; at sinasabi pa nila, ‘Ipakita ni Yahweh ang kanyang kadakilaan at iligtas niya kayo para makita namin kayong natutuwa.’ Ngunit mapapahiya sila sa kanilang sarili. Pakinggan ninyo at sa lunsod ay nagkakagulo, at mayroong ingay na buhat sa Templo! Iyon ay likha ng pagpaparusa ni Yahweh sa kanyang mga kaaway! “Ang aking banal na lunsod ay parang babaing biglang nanganak; kahit hindi pa sumasakit ang kanyang tiyan, isang lalaki ang kanyang inianak. May nabalitaan na ba kayo o nakitang ganyan? Isang bansang biglang isinilang? Ang Zion ay hindi maghihirap nang matagal upang ang isang bansa ay kanyang isilang.” Ang sabi ni Yahweh: “Huwag ninyong isipin na ang bayan ko'y hahayaang umabot sa panahong dapat nang iluwal, at pagkatapos ay pipigilin sa pagsilang.” Makigalak kayo sa Jerusalem, magalak kayo dahil sa kanya; kayong lahat na nagmamahal sa lunsod na ito! Kayo'y makigalak at makipagsaya, lahat kayong tumangis para sa kanya. Tatamasahin ninyo ang kasaganaan niya, tulad ng sanggol sa dibdib ng kanyang ina. Sabi ni Yahweh: “Padadalhan kita ng walang katapusang kasaganaan. Ang kayamanan ng ibang bansa ay aagos patungo sa iyo tulad ng umaapaw na ilog. Ang makakatulad mo'y sanggol na buong pagmamahal na inaaruga ng kanyang ina. Aaliwin kita sa Jerusalem, tulad ng pag-aliw ng ina sa kanyang anak. Ikaw ay magagalak kapag nakita mo ang lahat ng ito; ikaw ay lalakas at lulusog. Sa gayon, malalaman mong akong si Yahweh ang tumutulong sa mga sumusunod sa akin; at siya ring nagpaparusa sa mga kaaway.” Darating si Yahweh na may dalang apoy at nakasakay sa mga pakpak ng bagyo upang parusahan ang mga kinamumuhian niya. Apoy at espada ang gagamitin niya sa pagpaparusa sa mga nagkasala; tiyak na marami ang mamamatay. Ang sabi ni Yahweh, “Malapit na ang wakas ng mga naglilinis ayon sa tuntunin ng pagsambang pagano, sumasama sa nagpuprusisyon patungo sa mga sagradong hardin, at kumakain ng karne ng baboy, daga at iba pang hayop na marumi. “Nalalaman ko ang kanilang iniisip at mga ginagawa. Darating ako upang tipunin ang lahat ng bansa, at ang mga taong iba't iba ang salita. Kapag sila'y nagkasama-sama, makikita nila ang magagawa ng aking kapangyarihan. Malalaman din nilang ako ang nagpaparusa sa kanila. Ngunit magtitira ako ng ilan upang ipadala sa iba't ibang bansa. Susuguin ko sila sa Tarsis, sa Libya at sa Lydia, mga dakong sanay sa paggamit ng pana. Magsusugo rin ako sa Tubal at Javan, at sa mga baybaying hindi pa ako nababalita sa aking kabantugan. Ipahahayag nila sa lahat ng bansa kung gaano ako kadakila. Bilang handog sa akin sa banal na bundok sa Jerusalem, ibabalik nila ang mga kababayan ninyo buhat sa pinagtapunan sa kanila. Sila'y darating na sakay ng mga kabayo, asno, kamelyo, karwahe at kariton, tulad ng pagdadala ng mga handog na pagkaing butil sa Templo, nakalagay sa malilinis na sisidlan ayon sa kautusan. Ang iba sa kanila ay gagawin kong mga pari at ang iba naman ay Levita. “Kung paanong tatagal ang bagong langit at bagong lupa sa pamamagitan ng aking kapangyarihan, gayon tatagal ang lahi mo at pangalan. Tuwing Araw ng Pamamahinga at Pista ng Bagong Buwan, lahat ng bansa ay sasamba sa akin,” ang sabi ni Yahweh. “Sa kanilang pag-alis, makikita nila ang mga bangkay ng mga naghimagsik laban sa akin. Ang uod na kakain sa kanila'y hindi mamamatay, gayon din ang apoy na susunog sa kanila. Ang kalagayan nila'y magiging kahiya-hiya sa buong sangkatauhan.” Ang aklat na ito ay naglalaman ng mga sinabi at ginawa ni Jeremias na anak ni Hilkias, isang pari na mula sa bayan ng Anatot, sa lupain ni Benjamin. Si Yahweh ay nagpahayag sa kanya noong ikalabintatlong taon ng paghahari sa Juda ni Haring Josias, anak ni Haring Ammon. Muling nagpahayag si Yahweh sa kanya nang si Jehoiakim na anak ni Josias ang hari ng Juda. Maraming beses pa siyang nagpahayag pagkatapos noon hanggang sa ikalabing isang taon ng paghahari ni Zedekias na anak rin ni Josias. At noong ikalimang buwan din ng taóng iyon, ang mga taga-Jerusalem ay sinakop at dinalang-bihag sa ibang bansa. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Bago ka pa ipinaglihi at ipanganak ay pinili na kita upang maging propeta para sa lahat ng bansa.” Ang sagot ko naman, “Panginoong Yahweh, hindi po ako magaling na tagapagsalita; bata pa po ako.” Subalit ang sabi niya sa akin, “Huwag mong sabihing bata ka pa. Pumunta ka sa mga taong sasabihin ko sa iyo. Ipahayag mo sa lahat ang aking sasabihin sa iyo. Huwag kang matakot sa kanila sapagkat ako'y kasama mo at iingatan kita. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.” Pagkatapos, iniunat ni Yahweh ang kanyang kamay, hinipo ang aking mga labi, at sinabi, “Ngayon ay ibinigay ko na sa iyo ang mga mensaheng dapat mong sabihin. Ibinibigay ko rin ngayon sa iyo ang kapangyarihang mangaral sa mga bansa at kaharian, upang sila'y bunutin at ibagsak, wasakin at itapon, itayo at itanim.” Tinanong ako ni Yahweh, “Jeremias, ano ang nakikita mo?” “Sanga po ng almendra,” sagot ko. “Tama ka,” ang sabi ni Yahweh, “sapagkat ako'y magbabantay upang matiyak na matutupad nga ang aking mga sinasabi.” Muli akong tinanong ni Yahweh, “Ano pa ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Isa pong kalderong kumukulo ang laman at halos tumagilid na mula sa gawing hilaga.” At sinabi niya sa akin, “Mararanasan ng lahat ng naninirahan sa lupaing ito ang isang pagkawasak na magmumula sa hilaga. Tatawagin ko ang lahat ng bansa sa hilaga. Darating silang lahat at ang kanilang mga hari'y maglalagay ng kani-kanilang trono sa harap ng pintuan ng Jerusalem, sa paligid ng mga pader nito, at sa ibang mga lunsod ng Juda. Paparusahan ko ang aking bayan dahil sa kanilang kasalanan; tumalikod sila sa akin. Naghandog sila at sumamba sa mga diyus-diyosang ginawa ng kanilang mga kamay. Humanda ka at magpakatatag; sabihin mo sa kanila ang lahat ng iuutos ko. Huwag kang matatakot sa kanila kundi'y hahayaan nga kitang matakot kung ikaw ay nasa kalagitnaan nila. Sinabi sa akin ni Yahweh na pumunta ako sa Jerusalem at ipahayag ito sa lahat ng naroroon: “Natatandaan ko ang iyong katapatan noong bata ka pa, ang iyong pagmamahal nang tayo'y ikasal; sinundan mo ako sa gitna ng disyerto, sa gitna ng lupaing walang tanim na anuman. Ikaw Israel ay para kay Yahweh, ang pinakamainam na bahagi ng kanyang ani; pahihirapan ang sinumang mananakit sa iyo; darating sa kanila ang mga kaguluhan. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.” Pakinggan ninyo ang pahayag ni Yahweh, mga anak ni Jacob, sambahayan ni Israel. Sinasabi ni Yahweh: “Ano ba ang nagawa kong kamalian at ako'y tinalikdan ng inyong mga magulang? Sumamba sila sa mga walang kabuluhang diyus-diyosan kaya sila'y naging walang kabuluhan din. Hindi nila ako naalala kahit ako ang nagpalaya sa kanila mula sa Egipto; pinatnubayan ko sila sa malawak na disyerto, sa mga lupaing baku-bako't maburol, sa isang tuyo at mapanganib na lugar, na walang naninirahan at nagnanais dumaan. Dinala ko sila sa isang mayamang lupain, upang tamasahin nila ang kasaganaan niyon. Ngunit dinungisan nila ang ibinigay kong lupain dahil sa karumal-dumal nilang mga gawain. Hindi man lamang nagtatanong ang mga pari, ‘Nasaan si Yahweh?’ Hindi ako nakikilala ng mga dalubhasa sa Kautusan, hindi sumusunod sa akin ang mga pinuno; nangangaral ang mga propeta sa pangalan ni Baal, sumasamba at naglilingkod sa mga diyus-diyosan. “Kaya't muli kong susumbatan ang aking bayan at uusigin ko hanggang kaapu-apuhan. Tumawid kang pakanluran hanggang Cyprus, at magpadala ka patungong pasilangan hanggang Kedar. Makikita mo kung may nangyaring tulad nito kailanman. Mayroon bang bansa na nagpalit ng kanyang mga diyos, kahit na ang mga ito ay hindi naman talagang diyos? Ngunit ipinagpalit ako ng bayang aking pinarangalan, at sila'y sumamba sa mga diyus-diyosang wala namang kabutihang magagawa para sa kanila. Kaya manginig kayo sa takot, O kalangitan, manggilalas kayo at manghilakbot; akong si Yahweh ang nagsasalita. Dalawa ang kasalanan ng aking bayan: Tinalikuran nila ako, ako na bukal na nagbibigay-buhay, at humukay sila ng mga balon, ngunit mga balong butas na walang naiipong tubig. “Hindi alipin ang Israel nang siya'y isilang. Ngunit bakit siya pinaghahanap ng kanyang mga kaaway? Sila'y parang mga leong umaatungal habang winawasak ang lupain; giniba ang kanyang mga lunsod kaya't wala nang naninirahan doon. Binasag ng mga taga-Memfis at taga-Tafnes ang kanyang bungo. Ikaw na rin, Israel, ang dapat sisihin sa nangyari sa iyo! Tinalikdan mo ako na iyong Diyos, akong si Yahweh na umakay sa iyong mga paglalakbay. Ano ang mapapala mo sa pagpunta sa Egipto? Ang makainom ng tubig sa Ilog Nilo? Ano ang inaasahan mong makukuha sa Asiria? Ang makainom ng tubig sa Ilog Eufrates? Paparusahan ka ng sarili mong kasamaan. Ipapahamak ka ng iyong pagtalikod sa akin. Mararanasan mo kung gaano kapait at kahirap ang mawalan ng takot at tumalikod kay Yahweh na iyong Diyos. Ako, ang Panginoong Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang nagsasabi nito. “Matagal mo nang itinakwil ang kapangyarihan ko, Israel, at ako'y ayaw mong sundin sapagkat ang sabi mo, ‘Hindi ako maglilingkod.’ Ngunit sa ibabaw ng bawat mataas na burol, at sa lilim ng bawat mayabong na punongkahoy, ikaw ay sumamba sa mga diyus-diyosan, gaya ng babaing nagbebenta ng sarili. Maganda ka noon nang aking itanim, mula sa pinakamalusog na binhi ng ubas. Tingnan mo ngayon ang naging buhay mo! Para kang ubas na ligaw, nabubulok ang bunga at walang pakinabang! Kahit maghugas ka pa, at gumamit ng pinakamatapang na sabon, mananatili pa rin ang mantsa ng iyong kasalanan; hindi mo iyan maitatago sa akin, ang Panginoong Yahweh ang nagsasalita. Masasabi mo bang hindi nadumihan ang iyong sarili, at hindi ka sumamba sa diyus-diyosang si Baal? Napakalaki ng kasalanang nagawa mo doon sa libis. Para kang batang kamelyo na hindi mapigilan, takbo ng takbo at nagwawala. Tulad mo'y babaing asno na masidhi ang pagnanasa; walang makapigil kapag ito'y nag-iinit. Hindi na dapat mag-alala ang lalaking asno; ika'y nakahanda sa lahat ng oras. Israel, huwag mong bayaan na ika'y magyapak o matuyo ang lalamunan at mamalat. Ngunit ang tugon mo, ‘Ano pa ang kabuluhan? Mahal ko ang ibang mga diyos, at sila ang aking sasambahin at paglilingkuran.’ “Tulad ng magnanakaw na napapahiya kapag nahuli, kayong lahat na sambahayan ni Israel ay mapapahiyang gaya niya; ang inyong mga hari at mga pinuno, mga pari at mga propeta. Mapapahiya kayong lahat na nagsasabi sa punongkahoy, ‘Ikaw ang aking ama,’ at sa bato, ‘Ikaw ang aking ina.’ Mangyayari ito sapagkat itinakwil ninyo ako, sa halip na kayo'y maglingkod sa akin. Ngunit kung kayo naman ay naghihirap, hinihiling ninyong iligtas ko kayo. “Nasaan ang mga diyus-diyosang inyong ginawa? Tingnan natin kung kayo'y maililigtas nila sa oras ng inyong pangangailangan. Juda, sindami ng iyong lunsod ang iyong mga diyos. Akong si Yahweh ay nagtatanong, ano ang isusumbat ninyo sa akin? Lahat kayo'y mga suwail. Wala na kayong ginawa kundi kalabanin ako! Pinarusahan ko kayo, ngunit di rin kayo nagbago. Para kayong mababangis na leon, pinagpapatay ninyo ang inyong mga propeta. Pakinggan ninyong mabuti ang sinasabi ko. Wala ba kayong napakinabangan sa akin? Ako ba'y naging parang tigang na lupa sa inyo? Bakit sinasabi ninyong malaya na kayong gawin ang inyong maibigan, at hindi na kayo babalik sa akin? Malilimutan ba ng dalaga ang kanyang mga alahas, o ng babaing ikakasal ang kanyang damit pangkasal? Subalit ako'y kinalimutan ng sarili kong bayan nang napakahabang panahon. Alam mo kung paano aakitin ang mga lalaki. Talo mo pa ang masasamang babae sa iyong paraan. Ang kasuotan mo'y tigmak sa dugo ng dukha at walang malay, sa dugo ng mga taong kailanman ay hindi pumasok sa iyong tahanan. “Subalit sa kabila ng lahat ng ito'y sinasabi mo, ‘Wala akong kasalanan; hindi na galit sa akin si Yahweh.’ Ngunit akong si Yahweh ang magpaparusa sa iyo sapagkat sinasabi mong hindi ka nagkasala. Bakit kay dali mong magpalit ng kaibigan? Bibiguin ka ng Egipto, tulad ng ginawa sa iyo ng Asiria. Mabibigo ka rin sa Egipto, iiwan mo siyang taglay ang kahihiyan. Sapagkat itinakwil ni Yahweh ang iyong pinagkatiwalaan, at hindi ka nila mabibigyan ng tagumpay.” Sinabi ni Yahweh, “Kapag ang isang babae ay pinalayas at hiniwalayan ng kanyang asawa, at siya'y mag-asawa ng ibang lalaki, hindi na siya dapat tatanggapin ng unang asawa. Ang ganito'y magpaparumi sa lupain. Subalit ikaw, Israel, kay rami mong kinasama, at ngayo'y ibig mong magbalik sa akin! Tumingin ka sa tuktok ng mga burol; may lugar ba roong hindi mo dinungisan ng iyong kahalayan? Para kang babaing nagbebenta ng sarili na naghihintay ng manliligaw sa mga tabing-daan. Tulad mo'y Arabong nag-aabang ng biktima sa ilang. Dahil sa mahalay mong pamumuhay, ang lupain ay nadungisan. Para kang babaing bayaran, wala ka nang kahihiyan! Dahil dito'y pinigil ko ang ulan at hindi pumatak kahit sa panahon ng tagsibol. “At ngayo'y sinasabi mong ako ang iyong ama na umiibig sa iyo mula pa sa pagkabata, at hindi magtatagal ang galit sa iyo. Ito'y pansamantala lamang. Iyan ang sinasabi mo, Israel, ngunit ang iyong ginagawa ay pawang kasamaan.” Noong panahon ni Haring Josias, sinabi sa akin ni Yahweh: “Nakita mo ba ang ginawa ng taksil na Israel? Umaakyat siya sa bawat burol at nakikipagtalik sa lilim ng mayayabong na punongkahoy. Akala ko'y babalik siya sa akin matapos gawin iyon. Ngunit hindi, at sa halip ay nakita pa ito ng kapatid niyang taksil na si Juda. Nakita rin ng Juda nang pinalayas at hiwalayan ko ang Israel dahil sa pagtataksil sa akin at pagiging masamang babae. Ngunit hindi man lamang natakot ang taksil ding Juda. Naging masama rin siyang babae. Ito'y hindi niya ikinahiya, bagkus ay dinumihan ang lupain nang mangalunya siya sa pamamagitan ng pagsamba sa mga bato at punongkahoy. At pagkatapos ng lahat ng ito, nagkunwari ang taksil na Juda na bumabalik sa akin ngunit ito'y hindi taos sa kanyang puso. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.” Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh na kahit tumalikod sa kanya ang Israel, ito'y hindi kasinsama ng taksil na Juda. Inutusan niya akong magpunta sa hilaga at sabihin sa Israel, “Manumbalik ka, taksil na Israel. Hindi na kita kagagalitan sapagkat ako'y mahabagin. Hindi habang panahon ang galit ko sa iyo. Aminin mo lamang na nagkasala ka at naghimagsik laban kay Yahweh na iyong Diyos. Sabihin mo na sa ilalim ng bawat punongkahoy ay nakiapid ka sa kahit sinong diyos at hindi ka sumunod sa aking mga utos,” ang sabi ni Yahweh. “Magbalik kayo sa akin, kayong mga taksil na anak, sapagkat ako ang inyong Panginoon,” sabi pa ni Yahweh. “Kukuha ako sa inyo ng isa sa bawat bayan at dalawa sa bawat angkan at ibabalik ko kayo sa Bundok ng Zion. Bibigyan ko kayo ng mga pinunong sumusunod sa akin, at pamamahalaan nila kayo nang buong katalinuhan at pagkaunawa. At kung dumami na kayo sa lupaing iyon, hindi na pag-uusapan ng mga tao ang tungkol sa Kaban ng Tipan ni Yahweh. Hindi na nila ito iisipin o aalalahanin. Hindi na rin nila ito kakailanganin o gagawa ng isa pa. Sa araw na iyon, ang Jerusalem ay tatawaging “Luklukan ni Yahweh”. Lahat ng bansa'y magkakatipon doon upang sambahin ako. Hindi na nila gagawin ang kasamaang kanilang gustong gawin. Magkakaisa ang Israel at ang Juda. Magkasama silang babalik mula sa hilaga at maninirahan sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga magulang, upang maging kanila magpakailanman.” Sinabi ni Yahweh, “Itinuring kitang anak, Israel, at binigyan ng lupaing pinakamainam sa lahat, sapagkat inakala kong kikilalanin mo akong ama, at hindi ka na tatalikod sa akin. Ngunit gaya ng taksil na asawa, iniwan mo ako. Hindi ka naging tapat sa akin.” May narinig na ingay sa mga kaburulan. Nananangis ang mga taga-Israel dahil sa mabigat nilang kasalanan; at kinalimutan nila si Yahweh na kanilang Diyos. “Manumbalik kayo, mga anak na taksil,” sabi ni Yahweh, “pinapatawad ko na kayo sa inyong mga kasalanan.” Sabihin ninyo: “Oo, lalapit na kami sapagkat si Yahweh ang aming Diyos! Walang naitulong sa amin ang mga diyus-diyosang sinasamba namin sa kaburulan. Si Yahweh lamang na aming Diyos, ang tunay na kaligtasan ng Israel. Dahil sa aming pagsamba kay Baal, nawala sa amin ang lahat ng bagay na pinaghirapan ng aming mga magulang, mula pa noong una—ang aming mga anak, mga hayop at mga kawan. Dapat kaming manliit sa kahihiyan, sapagkat kami'y nagkasala kay Yahweh, kami at ang aming mga magulang. Mula sa pagkabata hanggang ngayon, hindi namin sinunod ang tinig ni Yahweh na aming Diyos.” Ganito ang sabi ni Yahweh: “Mga taga-Israel, kung kayo'y manunumbalik at lalapit kayo sa akin; kung inyong tatalikuran ang mga diyus-diyosan at mananatili kayong tapat sa akin, magiging totoo at makatuwiran ang inyong panunumpa sa aking pangalan. Dahil dito'y hihilingin ng lahat ng bansa na sila'y aking pagpalain at pupurihin naman nila ako.” Ganito naman ang sabi ni Yahweh sa mga taga-Juda at sa mga naninirahan sa Jerusalem: “Bungkalin ninyong muli ang napabayaang lupa; huwag ninyong ihasik ang binhi sa gitna ng dawagan. Tuparin ninyo ang inyong pangako sa akin, at italaga ang inyong buhay sa paglilingkod. Kung hindi, sisiklab ang aking poot dahil sa inyong mga nagawang kasamaan.” Hipan ang trumpeta sa buong lupain! Isigaw nang malinaw at malakas: “Mga taga-Juda at taga-Jerusalem, magsipasok kayo sa inyong mga kublihang lunsod. Ituro ang daang patungo sa Zion! Magtago na kayo at huwag magpaliban! Mula sa hilaga'y magpapadala si Yahweh ng lagim at pagkawasak. Parang leong lumitaw ang magwawasak ng mga bansa. Lumakad na siya upang wasakin ang Juda. Ang mga lunsod nito'y duduruging lahat at wala nang maninirahan doon. Magsuot kayo ng damit na panluksa, lumuha kayo at manangis, sapagkat ang poot ni Yahweh sa Juda'y hindi makakalimutan.” Ang sabi ni Yahweh, “Sa araw na iyon, masisiraan ng loob at matatakot ang mga hari at mga pinuno, ang mga pari ay masisindak, at magugulat ang mga propeta.” Pagkatapos ay sinabi ko, “Panginoong Yahweh! Nilinlang ninyo ang mga taga-Jerusalem! Sinabi ninyong iiral ang kapayapaan ngunit ngayon, isang tabak ang nakaamba sa kanila.” Sa panahong iyon ay sasabihin sa mga taga-Jerusalem: “Umiihip mula sa disyerto ang nakakapasong hangin patungo sa kaawa-awa kong bayan. Hindi upang linisin silang tulad ng trigo kung pinahahanginan. Mas malakas ang hanging aking padala upang hampasin ang bayan ko. Ako, si Yahweh, ang nagpaparusa ngayon sa kanila.” Masdan ninyo! Dumarating na parang mga ulap ang kaaway. Parang ipu-ipo ang kanilang mga karwaheng pandigma; mabilis pa sa agila ang kanilang mga kabayo. Matatalo tayo! Ito na ang ating wakas! Talikdan mo na Jerusalem, ang iyong mga kasalanan, upang maligtas ka. Hanggang kailan ka mag-iisip ng masama? Dumating ang mga tagapagbalita mula sa Dan at sa kabundukan ng Efraim, dala ang malagim na balita. Upang bigyang babala ang mga bansa at sabihin sa mga taga-Jerusalem: “Dumarating na ang mga kaaway mula sa malayong lupain, at sumisigaw ng pakikidigma laban sa mga lunsod ng Juda!” Paliligiran nila ang Jerusalem, parang bukid na ligid ng mga bantay; sapagkat ang mga tagaroon ay naghimagsik laban kay Yahweh. Ikaw na rin, Juda, ang dapat sisihin sa parusang darating sa iyo dahil sa iyong mga kasalanan. Tatagos sa iyong buong katawan ang paghihirap ng iyong puso. Ang hapdi ay hindi ko halos matagalan! Kumakabog ang aking dibdib! Hindi ako mapalagay; naririnig ko ang tunog ng mga trumpeta at ang sigaw ng digmaan. Sunod-sunod ang mga kapahamakang dumarating sa bayan. Bigla na lamang bumabagsak ang aming mga tolda at napupunit ang mga tabing. Hanggang kailan magtatagal ang paglalaban at maririnig ang tunog ng mga trumpeta? At sinabi ni Yahweh, “Napakahangal ng aking bayan; hindi nila ako nakikilala. Tulad nila'y mga batang wala pang pang-unawa. Sanay sila sa paggawa ng masama ngunit bigo sa paggawa ng mabuti.” Pagkatapos ay tiningnan ko ang daigdig; wala itong hugis o anumang kaanyuan, at sa langit ay walang anumang tanglaw. Tumingin ako sa mga bundok at mga burol; ang mga ito'y nayayanig dahil sa lindol. Wala akong makitang tao, wala kahit isa; pati mga ibon ay nagliparan na. Ang masaganang lupain ay naging disyerto; wasak ang mga lunsod nito dahil sa matinding poot ng Diyos. Sinabi ni Yahweh, “Masasalanta ang buong lupain ngunit hindi ko lubusang wawasakin.” Magluluksa ang sanlibutan, magdidilim ang kalangitan. Sinabi ni Yahweh ang ganito at ang isip niya'y di magbabago. Nakapagpasya na siya at hindi na magbabago pa. Sa yabag ng mangangabayo at mamamana, magtatakbuhan ang lahat; ang ilan ay magtatago sa gubat; ang iba nama'y sa kabatuhan aakyat. Lilisanin ng lahat ang kabayanan, at walang matitira isa man. Jerusalem, ikaw ay hinatulan na! Bakit nakadamit ka pa ng matingkad na pula? Ano't nagsusuot ka pa ng mga alahas, at ang mga mata mo'y may pintang pampaganda? Pagpapaganda mo'y wala nang saysay! Itinakwil ka na ng iyong mga kasintahan; at balak ka pa nilang patayin. Narinig ko ang daing, gaya ng babaing malapit nang manganak. Ito ang taghoy ng naghihingalong Jerusalem na nakadipa ang mga kamay: “Ito na ang wakas ko, hayan na sila upang patayin ako!” Mga taga-Jerusalem, magmasid-masid kayo. Ang mga lansangan ay inyong libutin at ang buong paligid ay halughugin. Maghanap kayo sa mga pamilihan. May makikita ba kayong isang taong matuwid at tapat kay Yahweh? Kung mayroon kayong matatagpuan, patawad ni Yahweh sa Jerusalem igagawad. Nanunumpa nga kayo sa pangalan ni Yahweh, ngunit hindi taos sa inyong puso ang inyong sinasabi. Ang hanap ni Yahweh ay katotohanan. Pinarusahan niya kayo, ngunit hindi ninyo pinansin ang sakit; pinahirapan niya kayo ngunit hindi pa rin kayo nagbago. Ayaw ninyong talikuran ang inyong mga kasalanan; dahil sa katigasan ng inyong ulo. At aking naisip, “Ang mga taong ito'y mga mahihirap at walang alam; hindi nila alam ang hinihiling ni Yahweh, ang utos ng kanilang Diyos. Pupuntahan ko ang mga maykapangyarihan, at sila ay aking papakiusapan. Natitiyak kong alam nila ang kalooban ni Yahweh; batid nila ang ipinag-uutos ng Diyos. Ngunit pati silang lahat ay naging suwail at tumangging sumunod sa kanyang mga utos.” Dahil dito, sila'y papatayin ng mga leon mula sa gubat. Sisilain sila ng mga asong-gubat mula sa ilang. Maglilibot sa kanilang mga lunsod ang mga leopardo upang lurayin ang sinumang makita. Sapagkat napakarami na ng kanilang pagkakasala at maraming ulit na nilang tinalikuran ang Diyos. Ang tanong nga ni Yahweh: “Bakit ko kayo patatawarin? Nagtaksil sa akin ang iyong mga anak at sumamba sa mga diyus-diyosan. Pinakain ko kayo hanggang sa mabusog, ngunit nangalunya pa rin kayo, at ginugol ang panahon sa babaing bayaran. Tulad nila'y mga lalaking kabayo, nagpupumiglas dahil sa matinding pagnanasa sa asawa ng iba. Hindi ba marapat na sila ay parusahan ko? At pagbayarin ang bansang tulad nito? Sasabihan ko ang kanilang mga kaaway na sirain ang kanilang ubasan, subalit huwag naman nilang wawasakin ito nang lubusan. Sasabihin kong putulin ang mga sanga, sapagkat ang mga ito'y hindi naman para sa akin. Kayong mga mamamayan ng Israel at ng Juda, pareho kayong nagtaksil sa akin. Akong si Yahweh ang nagsasalita.” Si Yahweh ay itinakwil ng kanyang bayan. “Wala naman siyang gagawing anuman!” ang sabi nila. “Hindi tayo daranas ng kahirapan; walang darating na digmaan o taggutom man. Mga taga-Israel, magpapadala si Yahweh ng isang bansang buhat sa malayo upang salakayin kayo. Ito'y isang malakas at matandang bansa na ang wika'y hindi ninyo alam o nauunawaan man. Ito'y ipinahayag na ni Yahweh. Mababangis ang mga kawal ng kaaway; kamatayan ang dulot ng kanilang mga pana. Uubusin nila ang inyong mga ani at mga pagkain. Papatayin nila ang inyong mga anak. Kakatayin nila ang inyong mga kawan at baka, at wawasakin ang inyong mga tanim na igos at ubasan. Dudurugin ng kanilang hukbo ang matitibay na lunsod na pinagkakanlungan ninyo. “Gayunman, akong si Yahweh ang nagsasabing hindi ko lubusang pupuksain ang aking bayan sa panahong iyon. Kung sila'y magtanong sa iyo, Jeremias, kung bakit ko ginawa ang lahat ng ito, sabihin mo: ‘Kung papaanong tinalikuran ninyo si Yahweh at kayo'y naglingkod sa ibang mga diyos samantalang nasa sariling lupain, gayon kayo maglilingkod sa mga dayuhan sa isang lupaing hindi inyo.’” Sabihin mo sa mga anak ni Jacob; gayundin sa mga taga-Juda: “Makinig kayo, mga hangal; may mga mata kayo ngunit hindi naman makakita, may mga tainga ngunit hindi naman makarinig. Ako si Yahweh; hindi ba kayo natatakot sa akin o nanginginig sa presensya ko? Ako ang naglagay ng buhangin upang maging hangganan ng karagatan, isang palagiang hangganan na hindi kayang bagtasin. Kahit magngalit ang dagat at tumaas ang mga alon, hindi sila makakalampas dito. Ngunit kayo'y mapaghimagsik at matitigas ang ulo; tinalikuran ninyo ako at nilayuan. Hindi man lamang ninyo inisip na parangalan si Yahweh na inyong Diyos, gayong siya ang nagbibigay ng ulan sa takdang panahon, at nagpapasapit sa panahon ng pag-aani taun-taon. At sa halip, nagiging hadlang ang inyong mga kasalanan upang makamit ang mabubuting bagay na ito. “Tumira sa aking bayan ang manggagawa ng kasamaan; mga nanghuhuli ng ibon ang katulad nila. Ang pagkakaiba lamang, mga tao ang binibitag nila. Kung paanong pinupuno ng isang nanghuhuli ng ibon ang kanyang hawla, gayon nila pinupuno ng mga ninakaw ang kanilang mga bahay. Kaya naging mayaman sila at naging makapangyarihan. Lagi silang busog at matataba. Sukdulan na ang kanilang kasamaan. Inaapi nila ang mga ulila at hindi makatarungan ang paglilitis na kanilang ginagawa. Hindi nila ipinagtatanggol ang karapatan ng mga kaawa-awa. “Dahil dito'y paparusahan ko sila; maghihiganti ako sa kanilang bansa. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito. Nakakapangilabot at nakakatakot ang nangyari sa buong lupain. Pawang kasinungalingan ang pahayag ng mga propeta; ang kanilang utos ang sinusunod ng mga pari, at hindi naman tumututol ang aking bayan. Subalit ano ang gagawin ninyo kapag nagwakas na ang lahat?” Mga anak ni Benjamin, tumakas na kayo! Lisanin na ninyo ang Jerusalem! Hipan ang trumpeta sa buong Tekoa, at ibigay ang hudyat sa Beth-hakerem. Sapagkat dumarating na mula sa hilaga ang isang malaking sakuna at pagkawasak. Lunsod ng Zion, katulad ka ng isang magandang pastulan. Ngunit pupuntahan ka ng mga hari at magkukuta ang kanilang mga hukbo saanman nila magustuhan at paliligiran ka ng kanilang mga tolda. Sasabihin nila, “Humanda kayo at sasalakayin natin ang Jerusalem! Bandang tanghali tayo sasalakay!” Ngunit sasabihin nila pagkatapos, “Huli na tayo! Lumulubog na ang araw at unti-unti nang dumidilim. Subalit humanda rin kayo! Ngayong gabi tayo lulusob, at wawasakin natin ang mga kuta ng lunsod.” Inutusan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang mga haring ito na pumutol ng mga punongkahoy at magbunton ng lupa upang maging kublihan nila sa kanilang pagkubkob sa Jerusalem. Ang sabi niya, “Paparusahan ko ang lunsod na ito sapagkat naghahari dito ang pang-aapi. Patuloy ang paglaganap ng kasamaan sa Jerusalem, tulad ng pagbalong ng tubig sa balon. Karahasan at pagkawasak ang nababalita; karamdaman at mga sugat ang aking nakikita sa paligid. Mga taga-Jerusalem, ang mga ito'y magsilbing babala sa inyo, sapagkat kung hindi, iiwan ko kayo. Ang inyong lunsod ay gagawin kong disyerto, isang lugar na walang maninirahan.” Sinabi sa akin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Uubusin ang Israel katulad ng isang ubasang walang ititirang bunga. Kaya't tipunin mo ang lahat ng maaari mong iligtas, habang may panahon pa.” Ang sabi ko naman “Sino po ang makikinig sa akin, kung sila'y kausapin ko at bigyang babala? Sarado ang kanilang mga pakinig. Ayaw nilang pakinggan ang iyong mga mensahe at pinagtatawanan pa ang sinasabi ko. Ang pagkapoot mo, Yahweh, ay nararamdaman ko at hindi ko na kayang matagalan.” At sinabi sa akin ni Yahweh, “Ibuhos mo ang aking poot sa mga batang nasa lansangan, at sa mga kabinataang nagkakatipon. Bibihagin din ang mga mag-asawa, kasama pati matatanda na. Ibibigay sa iba ang kanilang mga bahay, gayon din ang kanilang bukirin at mga asawa. Paparusahan ko ang lahat ng naninirahan sa lupaing ito. Ang kasakiman ay laganap sa lahat, dakila at hamak; pati mga pari at propeta man ay mandaraya. Hindi nila pansin ang kahirapan ng aking bayan; ang sabi nila, ‘Payapa ang lahat,’ gayong wala namang kapayapaan. Nahihiya ba sila sa ginawa nilang kalikuan? Hindi na sila tinatablan ng hiya, makapal na ang kanilang mukha. Kaya't sila'y babagsak tulad ng iba. Ito na ang kanilang wakas, kapag sila'y aking pinarusahan. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.” Sinabi ni Yahweh sa kanyang bayan, “Tumayo kayo sa panulukang-daan at magmasid; hanapin ninyo ang lumang kalsada, at alamin kung saan ang pinakamabuting daan. Doon kayo lumakad, at magtatamo kayo ng kapayapaan.” Subalit ang sabi nila, “Ayaw naming dumaan doon.” Kaya't si Yahweh ay humirang ng mga bantay upang marinig ng Israel ang tunog ng kanilang trumpeta. Ngunit sabi nila, “Hindi namin iyon papakinggan.” Kaya sinabi ni Yahweh, “Makinig kayo, mga bansa, upang malaman ninyo ang mangyayari sa sarili kong bayan. Makinig ang buong sanlibutan! Ang mga taong ito'y mapapahamak bilang parusa at iyon ang nararapat sa kanila, sapagkat hindi nila sinunod ang aking mga utos, at itinakwil ang aking katuruan. Walang halaga sa akin ang kamanyang kahit na galing pa iyon sa Seba. Hindi ko rin kailangan ang mga pabangong mula sa malalayong lupain. Ang mga handog nila'y hindi katanggap-tanggap. Hindi ako malulugod sa kanilang mga hain.” Sabi pa ni Yahweh: “Maglalagay ako ng katitisuran nila, at silang lahat ay madadapa. Mamamatay ang mga magulang at mga anak, gayon din ang mga kaibigan at kapitbahay.” Sinasabi ni Yahweh: “Isang malakas na bansa mula sa hilaga ang naghahanda sa pakikidigma. Mga pana't sibat ang kanilang sandata; sila'y malulupit at walang awa. Kapag nakasakay sila sa kanilang mga kabayo, nagngangalit na dagat ang kanilang katulad. Handa na silang salakayin ang Jerusalem.” Ang sabi naman ng mga taga-Jerusalem: “Narinig na namin ang balita, at nanlulupaypay kaming lahat. Labis kaming naghihirap, katulad ng isang babaing manganganak. Ayaw na naming lumabas sa kabukiran o lumakad kaya sa mga daan, sapagkat ang mga kaaway ay may mga sandata. Takot ang nadarama naming lahat.” Sinabi ni Yahweh sa kanyang bayan, “Kung gayon, magsuot kayo ng damit na panluksa, at gumulong kayo sa abo. Manangis na kayo nang buong pait, na parang nawalan ng bugtong na anak, sapagkat biglang sasalakay ang magwawasak sa inyo! Jeremias, suriin mo ang aking bayan, gaya ng pagsuri sa bakal, upang malaman ang uri ng kanilang pagkatao. Silang lahat ay mapaghimagsik, masasama, walang ginagawa kundi ang magkalat ng maling balita. Sintigas ng tanso at bakal ang kanilang kalooban, at pawang kabulukan ang ginagawa nila. Matindi na ang init ng pugon at nalusaw na ng apoy ang tingga, ngunit hindi pa rin matunaw ang dumi ng pilak. Hindi na dapat ipagpatuloy ang pagdalisay sa aking bayan sapagkat hindi naman naihiwalay ang masasama. Tatawagin silang pilak na patapon sapagkat akong si Yahweh ang nagtakwil sa kanila.” Pakinggan ninyo ang mensahe ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel! Baguhin ninyo ang inyong pamumuhay at ang inyong ginagawa at kayo'y papayagan kong manatili rito.” Huwag ninyong dayain ang inyong sarili sa paulit-ulit na pagsasabing: ‘Ito ang Templo ni Yahweh, ang Templo ni Yahweh, ang Templo ni Yahweh!’ Hindi kayo maililigtas ng mga salitang iyan. “Magbagong-buhay na kayo at iwan na ang dati ninyong ginagawa. Maging makatarungan kayo sa isa't isa. Huwag ninyong aapihin ang mga dayuhan, mga ulila, at mga balo. Tigilan na ninyo ang pagpatay sa mga walang kasalanan sa lugar na ito. Talikdan na ninyo ang pagsamba sa mga diyus-diyosan, sapagkat ito ang magiging dahilan ng inyong kapahamakan. Kapag sinunod ninyo ito, pahihintulutan ko kayong manatili sa lupaing ito na ibinigay ko sa inyong mga magulang upang maging tirahan ninyo magpakailanman. “Bakit kayo nagtitiwala sa mga salitang walang kabuluhan? Nagnanakaw kayo, pumapatay, nangangalunya, nanunumpa sa hindi katotohanan, naghahandog kay Baal, at sumasamba sa mga diyus-diyosang hindi ninyo nakikilala. Ginawa ninyo ang aking kinamumuhian at pagkatapos, haharap kayo sa akin, sa aking Templo at sasabihin ninyo, ‘Ligtas kami rito!’ Bakit? Ang tahanan bang ito'y mukhang lungga ng mga magnanakaw? Nakikita ko ang ginagawa ninyo. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito. Pumunta kayo sa Shilo, ang lugar na una kong pinili upang ako'y sambahin ninyo. Tingnan ninyo ang ginawa ko sa lugar na iyon dahil sa mga kasalanan ng aking bayang Israel. At ngayon, ginawa rin ninyo ang mga kasalanang iyon. Paulit-ulit ko kayong pinaalalahanan, ngunit ayaw ninyong makinig. Hindi ninyo pinansin ang aking panawagan. Kaya naman, ang ginawa ko sa Shilo ay gagawin ko rin sa Templong ito na labis ninyong pinagtiwalaan. Wawasakin ko ang lugar na ito na ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga magulang, gaya ng ginawa ko sa Shilo. Palalayasin ko kayo sa harap ko, tulad ng ginawa ko sa inyong mga kapatid, sa angkan ni Efraim.” Sinabi ni Yahweh, “Huwag mong ipapanalangin ang mga taong ito, Jeremias. Huwag kang mananangis para sa kanila o magmamakaawa sapagkat hindi kita papakinggan. Tingnan mo ang kanilang ginagawa sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem. Nangunguha ng panggatong ang kanilang mga anak, nagpaparikit ng apoy ang kalalakihan, at nagluluto ng tinapay ang kababaihan upang ihandog sa diyus-diyosang tinatawag nilang reyna ng kalangitan. Naghahandog din sila ng mga inumin sa ibang diyos, upang saktan ang aking kalooban. Subalit ako bang talaga ang kanilang sinasaktan? Hindi, manapa'y ang kanilang sarili ang sinasaktan nila at inilalagay sa kahihiyan. Kaya nga, ibubuhos ko sa lugar na ito ang aking galit at poot. Madadamay sa ipapataw kong parusa ang mga tao, mga hayop, at pati mga punongkahoy at mga halaman. Ang aking poot ay gaya ng apoy na walang sinumang makakapatay. “Mabuti pa'y kainin na lamang ninyong lahat ang inyong mga handog na susunugin, kasama ng mga handog na pinagsasaluhan. Ako, si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi nito. Nang ilabas ko sa Egipto ang inyong mga magulang, hindi ko iniutos sa kanila ang tungkol sa mga handog na susunugin o iba pang handog. Subalit inutusan ko silang sumunod sa akin upang sila'y maging aking bayan at ako naman ang kanilang magiging Diyos. Sinabi kong mamuhay sila ayon sa ipinag-uutos ko, at magiging maayos ang kanilang buhay. Ngunit hindi sila sumunod; ayaw nilang makinig sa akin. Sa halip, ginawa nila ang bawat maibigan at lalo pa silang nagpakasama, sa halip na magpakabuti. Mula nang umalis sa Egipto ang inyong mga magulang hanggang sa araw na ito, patuloy akong nagpapadala ng aking mga lingkod, ang mga propeta. Subalit hindi ninyo sila pinakinggan ni pinahalagahan. Nagmatigas kayo at masahol pa ang ginawa ninyo kaysa ginawa ng inyong mga magulang. “Kaya, Jeremias, sasabihin mo ang lahat ng ito sa kanila subalit hindi sila makikinig sa iyo. Tatawagin mo sila ngunit hindi ka nila papansinin. Kaya ganito ang sabihin mo sa kanila: ‘Narito ang bansang ayaw makinig sa tinig ni Yahweh na kanilang Diyos, at ayaw ituwid ang kanilang mga landas. Naglaho na sa kanila ang katotohanan at hindi man lamang nababanggit.’” “Manangis kayo, mga taga-Jerusalem. Putulin ninyo ang inyong buhok, at itapon ito sa malayo. Managhoy kayo sa ibabaw ng mga burol, sapagkat itinakwil at pinabayaan ni Yahweh ang mga taong kanyang kinapopootan. “Napakasama ng ginawa ng mga taga-Juda. Ang mga diyus-diyosang kinasusuklaman ko'y inilagay nila sa aking Templo. Nilapastangan nila ang aking tahanan. Akong si Yahweh ang maysabi nito. Sa Libis ng Ben Hinom ay gumawa sila ng altar at tinawag nilang Tofet. Doon nila sinusunog ang kanilang mga anak bilang handog. Hindi ko iniutos sa kanilang gawin ito, at ni hindi man lamang ito sumagi sa aking isipan. Dahil dito, darating ang panahon na hindi na iyon tatawaging Tofet o Libis ng Ben Hinom kundi Libis ng Kamatayan. Magiging isang libingan ang Tofet sapagkat wala nang lugar na mapaglilibingan. Ang mga bangkay ay kakanin ng mga ibon at maiilap na hayop; walang sinumang makapagtataboy sa kanila. At sasalantain ko ang buong lupain hanggang ito'y maging isang disyerto. Hindi na maririnig sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem ang mga himig ng kagalakan at katuwaan. Hindi na mapapakinggan ang masasayang tinig ng mga ikakasal. “Pagdating ng panahong iyon,” sabi pa ni Yahweh, “ang kalansay ng mga hari at mga pinuno sa Juda, mga pari, mga propeta, at iba pang naninirahan sa Jerusalem, ay aalisin sa kanilang libingan. Ibibilad ang mga ito sa liwanag ng araw, buwan, at mga bituin na kanilang minahal, pinaglingkuran, sinunod, sinangguni, at sinamba. Sa halip na tipunin at ibaon, ang mga kalansay ay parang duming ikakalat sa lupa. Para sa mga nabubuhay pa sa makasalanang lahing ito na nagkalat sa mga lupaing pinagtapunan ko sa kanila, nanaisin pa nila ang mamatay kaysa patuloy na mabuhay. Akong si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang nagsasabi nito.” “Jeremias, akong si Yahweh ang nagsasalita sa aking bayan. Kapag nabuwal ang isang tao, hindi ba muli siyang bumabangon? Kapag naligaw siya ng daan, hindi ba muli siyang magbabalik? Bayan kong hinirang, bakit kayo lumalayo sa akin ngunit hindi naman nagbabalik? Bakit hindi ninyo maiwan ang inyong mga diyus-diyosan, at ayaw ninyong magbalik sa akin? Naghintay ako at nakinig ngunit walang nagsalita ng katotohanan. Ni walang nagsisi sa kanyang kasalanan. Wala man lamang nagtanong, ‘Anong kasalanan ang nagawa ko?’ Bawat isa ay ginawa ang sariling maibigan, gaya ng kabayong patungo sa digmaan. Nalalaman ng ibong palipat-lipat ng tirahan, ng batu-bato, ng langay-langayan at ng tagak, kung kailan sila dapat lumipat at kung kailan dapat magbalik. Ngunit kayo, na aking bayan, hindi ninyo nalalaman ang aking kautusan na dapat ninyong sundin. Paano ninyo nasabing, ‘Kami'y matatalino; nasa amin ang kautusan ni Yahweh’? Ang kautusan ay binago ng mga mandarayang eskriba. Mapapahiya ang kanilang mga matatalino; sila'y malilito at mabibigo. Sapagkat tinanggihan nila ang salita ni Yahweh, anong karunungan ang taglay nila ngayon? Kaya ibibigay ko sa iba ang kanilang mga asawa; ang kanilang bukid ay tatamnan ng ibang tao. Ang lahat, dakila man o abâ, ay gumagamit ng pandaraya upang yumaman. Pati mga propeta at mga pari ay nandaraya. Hindi nila pansin ang kahirapan ng aking bayan. Ang sabi nila, ‘Payapa ang lahat,’ gayong wala namang kapayapaan. Ikinahiya ba nila ang kanilang masasamang gawa? Hindi! Hindi na sila marunong mahiya! Makapal na ang kanilang mukha. Kaya nga, babagsak sila tulad ng iba. Ito na ang kanilang magiging wakas kapag sila'y aking pinarusahan. Ito ang sabi ni Yahweh. “Lilipulin ko na ang aking bayan sapagkat ang katulad nila'y punong ubas na walang bunga, o puno ng igos na walang pakinabang; nalanta na pati mga dahon. Kaya't tatanggapin nila ang bunga ng kanilang ginawa.” “Bakit tayo nakaupo at walang ginagawa?” tanong nila. “Halina kayo, tayo'y magtago sa mga lunsod na matibay, at doon na tayo mamatay. Hinatulan na tayo ni Yahweh na ating Diyos upang mamatay. Binigyan niya tayo ng tubig na may lason upang inumin sapagkat nagkasala tayo sa kanya. Naghintay tayo ng kapayapaan ngunit walang nangyari; umasa ng kaligtasan ngunit kakila-kilabot na hirap ang dumating sa atin. Naririnig hanggang sa lunsod ng Dan ang ingay ng mga kabayo ng kaaway. Nanginginig na sa takot ang buong bansa sa yabag pa lamang ng mga kabayong pandigma. Dumating na ang wawasak sa ating lupain at sa lahat ng naroon; sa ating lunsod at sa lahat ng naninirahan doon.” “Humanda kayo!” sabi ni Yahweh. “Magpapadala ako ng mga ahas na makamandag, mga ulupong na hindi mapaaamo, upang kayo'y tuklawin.” Hindi mapapawi ang nadarama kong kalungkutan; nagdurugo ang aking puso. Pakinggan ninyo! Naririnig ko ang iyakan ng buong bayan, “Wala na ba sa Zion si Yahweh? Wala na ba roon ang hari ng Zion?” At sumagot si Yahweh, “Bakit ninyo ako ginagalit? Bakit kayo sumasamba sa mga diyus-diyosan na hindi ninyo kilala at wala namang kabuluhan?” At sumigaw ang bayan: “Dumaan na ang tag-araw, tapos na rin ang anihan, ngunit hindi pa kami naliligtas!” Para akong sinuntok sa dibdib dahil sa hirap na sinapit ng aking bayan; ako'y nanangis; lubos akong nalilito. Wala na bang panlunas sa Gilead? Wala na bang manggagamot diyan? Bakit hindi gumagaling ang aking bayan? Sana'y naging balon ng tubig itong aking ulo, at bukal ng luha itong mata ko, upang ako'y may iluha sa maghapon at magdamag para sa aking mga kababayang namatay. Sana'y may mapagtaguan ako doon sa disyerto, kung saan malayo ako sa aking mga kababayan. Sila'y mapakiapid at pawang mga taksil. Sila'y laging handang magsabi ng kasinungalingan; kasamaan ang namamayani sa halip na katotohanan. Ganito ang sabi ni Yahweh: “Sunod-sunod na kasamaan ang ginagawa ng aking bayan, at ako'y hindi nila nakikilala.” Mag-ingat kayo kahit sa inyong mga kaibigan, kahit kapatid ay huwag pagkatiwalaan; sapagkat mandaraya lahat ng kapatid, katulad ni Jacob, at bawat isa'y naninira sa kanyang kaibigan. Ang lahat ay nandaraya sa kanyang kapwa, walang nagsasabi ng katotohanan; dila nila'y sanay sa pagsisinungaling, sila'y patuloy sa pagkakasala, at hindi naiisip ang magsisi. Ang kanilang kasalanan ay patung-patong na, hindi tumitigil sa pandaraya sa iba. Kahit na si Yahweh hindi kinikilala. Kaya sinabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, “Pahihirapan ko ang bansang ito upang sila'y subukin. Sapagkat ano pa ang aking magagawa sa bayan kong naging masama? Parang makamandag na pana ang kanilang mga dila, lahat ng sinasabi ay pawang pandaraya. Magandang mangusap sa kanilang kapwa, ngunit ang totoo, balak nila ay masama. Hindi ba nararapat na parusahan ko sila? Hindi ba dapat lang na maghiganti ako sa kanila? Ako, si Yahweh, ang nagsasabi nito.” Ang sabi ni Jeremias, “Ang mga bundok ay aking tatangisan, at iiyakan ko ang mga pastulan; sapagkat natuyo na ang mga damo, at wala nang nagdaraang tao. Hindi na naririnig ang unga ng mga baka; pati mga ibon at hayop sa gubat ay nag-alisan na.” Ang sabi ni Yahweh: “Ang Jerusalem ay wawasakin ko. Kanyang mga pader, paguguhuin ko, at wala nang maninirahan doon kundi mga asong-gubat. Magiging disyerto, mga lunsod ng Juda, wala nang taong doon ay titira.” At nagtanong si Jeremias, “Yahweh, bakit po nasalanta ang lupain at natuyo tulad sa isang disyerto, kaya wala nang may gustong dumaan? Sinong matalino ang makakaunawa nito? Kanino ninyo ipinaliwanag ang nangyaring ito upang masabi naman niya sa iba?” Sumagot si Yahweh, “Nangyari ito sapagkat tinalikuran ng aking bayan ang kautusang ibinigay ko sa kanila at hindi sila sumunod sa akin. Sa halip, nagmatigas sila at sumamba sa diyus-diyosang si Baal, gaya ng itinuro ng kanilang mga magulang. Kaya, akong si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, ganito ang gagawin ko. Mapapait na halaman ang ipapakain ko sa kanila at tubig na may lason ang ipapainom ko sa kanila. Pangangalatin ko sila sa iba't ibang bansa, mga bansang ni hindi man lamang nabalitaan ng kanilang mga magulang. At magpapadala ako ng mga hukbong sasalakay sa kanila hanggang sa lubusan silang malipol.” Ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Isipin ninyo ang mga nangyayari! Tawagin ninyo ang mga taga-iyak, ang mga babaing sanay managhoy.” Sabi naman ng mga tao, “Pagmadaliin sila upang managhoy para sa atin, hanggang sa bumalong ang ating mga luha at mamugto sa pag-iyak ang ating mga mata.” Dinggin mo ang panaghoy sa Zion, “Nasalanta na tayo! Napakalaking kahihiyan nito! Lisanin na natin ang ating lupain; sapagkat wasak na, mga tahanan natin.” Sinabi naman ni Jeremias, “Mga babae, pakinggan ninyo si Yahweh, at unawain ang kanyang sinasabi. Turuan ninyong managhoy ang inyong mga anak na babae, gayon din ang kanilang mga kaibigan. Nakapasok na ang kamatayan sa ating mga tahanan, at sa magagarang palasyo; pinuksa niya ang mga batang nasa lansangan, at ang mga kabataang nasa pamilihan. Nagkalat kahit saan ang mga bangkay, tila bunton ng dumi sa kabukiran, parang uhay na ginapas ng mga mang-aani at saka iniwang walang nag-iipon. Ito ang ipinapasabi sa akin ni Yahweh.” Ang sabi ni Yahweh: “Huwag ipagmayabang ng matatalino ang kanyang karunungan o ng malakas ang lakas na kanyang taglay ni ng mayaman ang kanyang kayamanan. Kung may nais magmalaki, ang ipagmalaki niya'y ang pagkakilala't pagkaunawa sa akin, sapagkat ang aking pag-ibig ay hindi nagbabago, makatarungan at matuwid ang mga ginagawa ko. Ito ang mga bagay na nais ko. Ako, si Yahweh ang nagsasabi nito.” Sinabi pa ni Yahweh, “Darating ang panahong paparusahan ko ang lahat ng tinuli ngunit ang puso'y hindi naman nababago; mga taga-Egipto, Juda, Edom, Ammon, Moab at lahat ng naninirahan sa disyerto at ang mga nagpuputol ng kanilang buhok. Sila at lahat ng mga taga-Israel ay hindi pa nagkakaroon ng panloob na pagbabago bagaman sila ay tinuli ayon sa laman.” Mga anak ni Israel, pakinggan ninyo ang ipinapasabi ni Yahweh. Ang sabi niya, “Huwag ninyong tutularan ang ginagawa ng ibang mga bansa; o mabahala sa nakikitang mga tanda sa kalangitan, na labis nilang kinatatakutan. Ang dinidiyos nila'y hindi maaasahan. Isang punongkahoy na pinutol sa gubat, inanyuan ng mga dalubhasang kamay, at pinalamutian ng ginto at pilak. Idinikit at pinakuan upang hindi mabuwal. Ang mga diyus-diyosang ito'y tulad sa panakot ng ibon sa gitna ng bukid, hindi nakakapagsalita; pinapasan pa sila sapagkat hindi nakakalakad. Huwag kayong matakot sa kanila sapagkat hindi sila makakagawa ng masama, at wala ring magagawang mabuti.” Wala nang ibang tulad mo, O Yahweh; ikaw ay makapangyarihan, walang kasindakila ang iyong pangalan. Sino ang hindi matatakot sa iyo, ikaw na Hari ng lahat ng bansa? Karapat-dapat lamang na ikaw ay katakutan. Kahit na piliin ang lahat ng matatalino mula sa lahat ng bansa at mga kaharian, wala pa ring makakatulad sa iyo. Silang lahat ay pawang hangal at mangmang. Ano ang maituturo sa kanila ng mga diyus-diyosang kahoy? Ang kanilang diyus-diyosa'y binalutan ng pilak na galing sa Tarsis, at ng gintong mula sa Upaz, ginawang lahat ng mahuhusay na kamay; pagkatapos ay binihisan ng kulay ube at pula na hinabi naman ng manghahabing sanay. Ngunit ikaw, Yahweh, ang tunay na Diyos, ikaw ang Diyos na buháy, at ang Haring walang hanggan. Nayayanig ang daigdig kapag ikaw ay nagagalit, at walang bansang makakatagal sa tindi ng iyong poot. Sabihin ninyo sa mga diyus-diyosan: ang sinumang hindi makalikha ng langit at lupa ay dudurugin at lubusang mawawala sa ibabaw ng daigdig. Nilikha ni Yahweh ang lupa sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Lumitaw ang daigdig dahil sa kanyang karunungan, at iniladlad niya ang langit sa bisa ng kanyang kaalaman. Pagkarinig sa kanyang utos, umugong ang mga tubig sa kalangitan; napagsama-sama niya ang mga ulap mula sa lahat ng hangganan ng lupa. Nagagawa niyang pakislapin ang kidlat sa gitna ng ulan, at nagpapaihip sa hangin mula sa kublihan nito. Sa harapan niya ang bawat tao'y mistulang mangmang; malalagay sa kahihiyan bawat panday sapagkat ang ginawa nilang mga diyus-diyosan ay hindi totoo at walang buhay. Sila'y walang silbi sapagkat likha lamang ng pandaraya; wawasakin silang lahat ni Yahweh. Ngunit hindi ganito ang Diyos ni Jacob; siya ang maylikha ng lahat ng bagay; at pinili niya ang Israel upang maging kanyang bayan. Yahweh ang kanyang pangalan, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat. “Mga taga-Jerusalem na napapaligiran ng kaaway, ipunin ninyo ang inyong mga ari-arian. Palalayasin na kayo ni Yahweh at ipapatapon sa ibang lupain. Pahihirapan kayong lahat hanggang sa walang matira.” Ito ang sabi ni Yahweh. At dumaing naman ang mga taga-Jerusalem, “Napakatindi ng parusa sa amin! Hindi gumagaling ang aming mga sugat. Akala namin, ito'y aming matitiis. Ang aming mga tolda ay nawasak; napatid na lahat ang mga lubid. Ang aming mga anak ay naglayasang lahat, walang natira upang mag-ayos ng aming tolda; wala isa mang magsasabit ng mga kurtina.” At sumagot si Jeremias, “Ang aming mga pinuno'y pawang mga hangal; hindi sila sumangguni kay Yahweh. Kaya hindi sila naging matagumpay, at ang mga tao'y nagsipangalat. Makinig kayo! May dumating na balita! Nagkakagulo sa isang bansang nasa hilaga; ang kanilang hukbo ang pupuksa sa mga lunsod ng Juda, at ito'y magiging disyerto, tahanan ng mga asong-gubat.” Nalalaman ko po, Yahweh, na walang taong may hawak ng sarili niyang buhay; at walang nakakatiyak ng kanyang sasapitin. Ituwid mo ang iyong bayan, O Yahweh; ngunit huwag naman sana kayong maging marahas. Huwag kaming parusahan sa panahong kayo'y napopoot; na siyang magiging wakas naming lahat. Ibaling mo ang iyong poot sa mga bansang ayaw kumilala sa iyo at sa mga taong hindi tumatawag sa iyong pangalan. Pinatay nila ang mga anak ni Jacob; at winasak ang kanilang lupain. Sinabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, kay Jeremias: “Pakinggan mong mabuti ang nakasulat sa kasunduang ito, at sabihin mo sa mga taga-Juda at sa mga taga-Jerusalem na susumpain ko ang sinumang hindi susunod sa itinatakda ng kasunduang ito. Ito ang kasunduan namin ng inyong mga magulang nang iligtas ko sila sa Egipto, ang lupaing parang pugon na tunawan ng bakal. Sinabi kong pakinggan nila at sundin ang aking mga utos. At kung susunod sila, sila'y magiging bayan ko at ako'y magiging Diyos nila. Sa gayon, tutuparin ko ang aking pangako sa kanilang mga magulang, na ipapamana ko sa kanila ang lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay na tinatahanan nila ngayon.” Sumagot naman si Jeremias, “Opo, Yahweh.” Pagkatapos, inutusan ni Yahweh si Jeremias: “Pumunta ka sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem. Ipahayag mo ang aking mensahe sa kanila, at sabihin mo sa mga tao na unawain ang isinasaad sa kasunduan, at sundin ang mga ito. Nang ilabas ko sa Egipto ang kanilang mga magulang, mahigpit kong ipinagbilin na sundin nila ang aking mga utos. Patuloy kong pinaaalalahanan ang aking bayan hanggang sa panahong ito. Subalit hindi sila nakinig. Sa halip ay patuloy na nagmatigas at nagpakasama ang bawat isa sa kanila. Iniutos kong sundin nila ang kasunduan, ngunit sila'y tumanggi. Kaya naman ipinalasap ko sa kanila ang lahat ng parusang sinasabi dito.” Muling sinabi ni Yahweh kay Jeremias: “Naghihimagsik laban sa akin ang mga taga-Juda at Jerusalem. Ginawa rin nila ang kasalanan ng kanilang mga magulang; hindi nila sinunod ang aking utos; sumamba sila sa mga diyus-diyosan. Ang Israel at ang Juda ay kapwa sumira sa kasunduan namin ng mga magulang nila. Kaya binalaan ko sila na sila'y aking lilipulin, at wala isa mang makakaligtas. At kapag sila'y humingi ng tulong sa akin, hindi ko sila papakinggan. Dahil dito'y tatawag sa mga diyus-diyosan ang mga taga-Juda at Jerusalem at magdadala ng mga handog sa harapan ng mga ito. Subalit hindi sila maililigtas ng mga diyus-diyosang ito kapag dumating na ang oras ng paglipol. Kung ano ang dami ng mga lunsod sa Juda, gayon din kadami ang kanilang mga diyus-diyosan. At kung ano ang dami ng mga lansangan sa Jerusalem ay siya ring dami ng kanilang mga altar na handugan para kay Baal. At ikaw naman, Jeremias, huwag mo nang idalangin ang mga taong iyan. Kapag naranasan na nila ang paghihirap at sila'y humingi ng tulong sa akin, hindi ko sila papakinggan.” Ang sabi ni Yahweh, “Ang mga taong iniibig ko'y gumagawa ng kasamaan. May karapatan pa ba silang pumasok sa aking Templo? Sa akala ba nila'y maililigtas sila ng kanilang mga pangako at pagdadala ng mga hayop bilang handog na susunugin? Magagalak ba sila pagkatapos niyon? Noong una'y inihambing ko sila sa isang malagong puno ng olibo na hitik sa bunga. Ngunit ngayon, kaalinsabay ng pagdagundong ng kulog, susunugin ko sa tama ng kidlat ang kanilang mga dahon, at babaliin ang kanilang mga sanga. “Ako, si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang siyang nagtatag sa Israel at sa Juda; ngunit paparusahan ko sila dahil sa kanilang mga kasalanan. Ginalit nila ako nang magsunog sila ng mga handog sa harapan ni Baal.” Ipinaalam sa akin ni Yahweh ang masamang balak ng aking mga kaaway laban sa akin. Tulad ko'y isang maamong tupa na dinadala sa katayan at hindi ko alam na may masamang balak pala sila sa akin. Ang sabi nila, “Putulin natin ang puno habang malusog; patayin natin siya nang wala nang makaalaala pa sa kanya.” At nanalangin si Jeremias, “O Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ikaw ay hukom na makatarungan. Nababatid mo ang isipan at damdamin ng bawat tao. Ikaw ang maghiganti sa mga taong ito; ipinapaubaya ko sa iyong mga kamay ang anumang mangyayari sa akin.” Si Jeremias ay binantaan ng mga taga-Anatot na papatayin kung hindi siya titigil ng pangangaral sa pangalan ni Yahweh. Kaya ito ang sabi ni Yahweh: “Paparusahan ko sila! Mapapatay sa digmaan ang kanilang mga kabataang lalaki; mamamatay sa gutom ang kanilang maliliit na anak. Walang matitira sa kanila kapag dumating na ang panahon na parusahan ko sila.” Ikaw ay matuwid, Yahweh, at kung ako ma'y mangatwiran, mapapatunayan mong ikaw ay tama. Ngunit bayaan mong magtanong ako. Bakit nagtatagumpay ang masasamang tao? At ang mandaraya ay umuunlad? Sila'y itinatanim mo at nag-uugat, lumalago at namumunga. Maganda ang sinasabi nila tungkol sa iyo subalit malayo ka sa kanilang mga puso. Ngunit ako, Yahweh, ay iyong kilala; nakikita mo ako, ang mga ginagawa ko, nasa iyo ang puso ko. Hilahin mo ang mga taong ito, gaya ng mga tupang kakatayin; ihiwalay mo sila hanggang sa sandali na sila ay patayin. Hanggang kailan pa mananatiling tigang ang lupain, at tuyot ang mga damo sa parang? Nagkakamatay na ang mga ibon at mga hayop dahil sa kasamaan ng mga tao doon. At sinasabi pa nila, “Hindi niya nakikita ang aming ginagawa.” At sumagot si Yahweh, “Jeremias, kung hindi ka makatagal sa pakikipaghabulan sa mga taong ito, paano ka makikipagpaligsahan sa mga kabayo? Kung ika'y nadarapa sa patag na lupain, paano ka makakatagal sa kagubatan ng Jordan? Kahit na ipinagkanulo ka ng iyong mga kapatid at sariling kamag-anak, at kasama sila sa panunuligsa sa iyo. Huwag kang magtitiwala sa kanila bagama't magaganda ang kanilang sinasabi sa iyo.” Sinasabi ni Yahweh, “Pinabayaan ko na ang aking bayan, itinakwil ko na ang bansang aking hinirang. Ang mga taong aking minahal ay ibinigay ko na sa kamay ng kanilang mga kaaway. Lumaban sa akin ang aking bayan, tulad ng mabangis na leon sa kagubatan; nagtataas sila ng kanilang tinig laban sa akin, kaya kinamumuhian ko sila. Ang bayang pinili ko'y tulad sa isang ibong pinagtutulungan ng mga ibong mandaragit. Tawagin ang lahat ng mababangis na hayop, at makisalo sa kanyang bangkay! Sinira ng maraming pinuno ang aking ubasan, pati ang aking kabukiran ay kanilang sinagasaan; ang aking magandang lupain, ngayon ay wala nang mapapakinabangan. Wala nang halaga ang buong lupain; tigang na tigang sa aking harapan. Ang bayan ngayon ay isa nang ilang, at walang nagmamalasakit na sinuman. Mula sa kahabaan ng maburol na ilang ay lumusob ang mga mandarambong. Pinalaganap ko ang digmaan upang mawasak ang buong bayan; at walang sinuman ang makakaligtas. Naghasik ng trigo ang mga tao, ngunit tinik ang inani; nagpakahirap sila sa paggawa, subalit wala silang pinakinabangan. Wala silang inani sa kanilang itinanim dahil sa matinding galit ko sa kanila.” Ito ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa masasamang naninirahan sa paligid ng Israel, mga taong nanira sa lupaing ipinamana niya sa kanyang bayan: “Aalisin ko ang mga taong ito sa kanilang bansa, gaya ng halamang binubunot sa lupa. At ililigtas ko ang Juda sa kanilang pananakop. Subalit matapos ko silang alisin, sila'y aking kahahabagan. Ibabalik ko sa kani-kanilang sariling lupain ang bawat bayan. At kung buong puso nilang tatanggapin ang pananampalataya ng aking bayan at kung matututo silang manumpa nang ganito: ‘Saksi si Yahweh’, ang Diyos na buháy gaya ng itinuro nila sa aking bayan na pagsumpa kay Baal—sila ay mapapabilang sa aking bayan at uunlad ang kanilang pamumuhay. Subalit ang alinmang bansang hindi susunod sa akin ay bubunutin at lubos kong wawasakin. Akong si Yahweh ang maysabi nito.” Ganito ang utos sa akin ni Yahweh, “Bumili ka ng mga damit-panloob na yari sa linen at iyong isuot ngunit huwag mong babasain.” Kaya bumili nga ako ng damit-panloob, ayon sa sinabi ni Yahweh, at aking isinuot. Pagkatapos ay inutusan akong muli ni Yahweh, “Pumunta ka sa Ilog Eufrates; hubarin mo ang damit-panloob, at iyong itago sa isang butas sa bato.” Kaya ginawa ko ang iniutos sa akin ni Yahweh at pagkatapos, ako'y umuwi. Makalipas ang maraming araw, pinabalik niya ako sa Eufrates upang kunin ang mga damit-panloob na kanyang ipinatago. Nagbalik naman ako sa Eufrates at kinuha ang damit sa aking pinagtaguan. Ngunit sira na ito at hindi na mapapakinabangan. Muling nagsalita si Yahweh, “Ganyan ang gagawin ko sa palalong Juda at sa mas palalo pang Jerusalem. Ang masasamang taong ito'y hindi sumunod sa aking mga utos; lalo silang nagmatigas at sinunod ang kanilang sariling kagustuhan. Sumamba pa sila at naglilingkod sa mga diyus-diyosan. Matutulad sila sa sirang damit-panloob na wala nang kabuluhan. Kung paanong kumakapit sa katawan ng tao ang damit-panloob, gayon ang nais ko sa mga taga-Israel at taga-Juda—na sila'y kumapit sa akin ng mahigpit. Ginawa ko ito upang sila'y maging karapat-dapat na bansang hinirang, at sa gayo'y papurihan nila at parangalan ang aking pangalan. Ngunit ayaw naman nilang sumunod sa akin.” Sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Sabihin mo sa kanila na ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Punuin ninyo ng alak ang bawat tapayan. Ganito naman ang isasagot nila, ‘Alam namin na dapat punuin ng alak ang bawat tapayan.’ Pagkatapos, sasabihin mo sa kanila, ‘Ang mga tao sa lupaing ito ay paiinumin ni Yahweh ng alak hanggang sa sila'y malasing: mula sa mga hari na mga salinlahi ni David, mga pari, mga propeta, at lahat ng tao sa Jerusalem. At pagkatapos, pag-uumpug-umpugin ko silang parang mga tapayan hanggang madurog na lahat, matatanda't mga bata. Hindi ko sila kahahabagan kaunti man kapag ginawa ko ito.’” Mga Israelita, si Yahweh ay nagpahayag na! Magpakumbabá kayo at siya'y dinggin. Parangalan ninyo si Yahweh na inyong Diyos, bago niya palaganapin ang kadiliman, at bago kayo madapa sa mga bundok kapag dumilim na; bago niya gawing matinding kadiliman ang liwanag na inaasahan ninyo. Ngunit kung hindi kayo makikinig, palihim akong tatangis dahil sa inyong kapalaluan; buong kapaitan akong iiyak, at tutulo ang aking mga luha sapagkat nabihag ang bayan ko. Sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Sabihin mo sa hari at sa kanyang inang reyna na bumabâ na sa kanilang trono sapagkat naalis na sa kanilang ulo ang magaganda nilang korona. Nasakop na ang mga bayan sa timog ng Juda; wala nang makapasok doon. Dinalang-bihag ang mga taga-Juda at ipapatapong lahat.” Masdan ninyo, mga taga-Jerusalem! Dumarating na mula sa hilaga ang inyong mga kaaway. Nasaan ang mga taong ipinagkatiwala sa inyo, ang bayang ipinagmamalaki ninyo? Ano ang sasabihin mo kapag sinakop ka at pinagharian ng mga taong inakala mong mga kaibigan? Maghihirap ka tulad ng isang babaing nanganganak. At kung itanong mo kung bakit nangyari ito sa iyo: kung bakit napunit ang iyong damit, at kung bakit ka pinagsamantalahan; ang dahilan ay napakabigat ng iyong kasalanan. Kaya bang baguhin ng isang Etiope ang kulay ng kanyang balat o maaalis kaya ng isang leopardo ang kanyang mga batik? Kapag iyan ay nangyari, matututo na rin kayong gumawa ng matuwid, kayo na walang ginagawa kundi pawang kasamaan. Dahil dito, pangangalatin kayo ni Yahweh, tulad ng ipang ipinapadpad ng hangin. “Iyan ang mangyayari sa inyo,” sabi ni Yahweh, “Iyan ang gagawin ko sa inyo, sapagkat ako'y kinalimutan ninyo at naglingkod kayo sa mga diyus-diyosan. Huhubaran kita at malalantad ka sa kahihiyan. Nakita ko ang mga kasuklam-suklam na gawa mo: Ang iyong pagsamba sa mga diyus-diyosang nasa mga burol at kabukiran; tulad ng lalaking nagnanasa sa asawa ng kanyang kapwa, gaya ng kabayong lalaki na humahalinghing pagkakita sa isang kabayong babae. Nakatakda na ang iyong kapahamakan, Jerusalem! Kailan ka pa kaya magsisisi upang maging malinis ka?” Ito ang pahayag ni Yahweh kay Jere mias tungkol sa tagtuyot: “Nananangis ang Juda, naghihingalo ang kanyang mga lunsod, nakahandusay sa lupa ang mga tao dahil sa matinding kalungkutan, at napapasaklolo ang Jerusalem. Inutusan ng mayayaman ang kanilang mga alipin upang kumuha ng tubig; nagpunta naman ang mga ito sa mga balon, ngunit wala silang nakuhang tubig doon; kaya nagbalik sila na walang laman ang mga banga. Dahil sa kahihiyan at kabiguan ay tinatakpan nila ang kanilang mukha, sapagkat bitak-bitak na ang lupa. Tuyung-tuyo na ang lupain dahil hindi umuulan, nanlupaypay ang mga magbubukid, kaya sila'y nagtalukbong na lang ng mukha. Iniwan na ng inahing usa ang kanyang anak na bagong silang, sapagkat wala ng sariwang damo sa parang. Umakyat sa mga burol ang mga asnong maiilap, humihingal na parang mga asong-gubat; nanlalabo ang kanilang paningin dahil sa kawalan ng pagkain. Nagsumamo sa akin ang aking bayan: ‘Yahweh, bagaman inuusig kami ng aming mga kasalanan, gayunman, kami'y tulungan mo gaya ng iyong pangako. Tunay na maraming beses na kaming tumalikod; kami ay nagkasala laban sa iyo. Ikaw ang tanging pag-asa ng Israel, ikaw lamang ang makakapagligtas sa amin sa panahon ng kagipitan. Bakit para kang dayuhan sa aming bayan, parang isang manlalakbay na nakikitulog lamang? Bakit para kang isang taong nabigla, parang kawal na walang tulong na magawâ? Ngunit ang totoo, O Yahweh, kasama ka namin; kami ay iyong bayan, huwag mo kaming pabayaan.’” Ang sabi ni Yahweh tungkol sa mga taong ito, “Ginusto nilang lumayo sa akin, at walang nakapigil sa kanila. Kaya naman hindi ako nalulugod sa kanila. Hindi ko malilimot ang masasama nilang gawa, at paparusahan ko sila dahil sa kanilang mga kasalanan.” At sinabi sa akin ni Yahweh, “Huwag mong hilingin sa akin na tulungan ko ang mga taong ito. Kahit na sila'y mag-ayuno, magsunog ng mga handog at magdala ng handog na pagkaing butil, hindi ko diringgin ang kanilang panalangin at hindi ako malulugod sa kanila. Sa halip, pababayaan ko silang mamatay sa digmaan, sa matinding gutom, at sa sakit.” Ang sabi ko naman, “Panginoong Yahweh, alam mong sinasabi ng mga propeta na hindi magkakaroon ng digmaan o taggutom, sapagkat iyong ipinangako na kapayapaan lamang ang mararanasan sa buong bayan.” Subalit ganito ang sagot ni Yahweh: “Pawang kasinungalingan ang sinasabi ng mga propetang iyan; hindi ko sila sinugo, inutusan, o kinausap man. Ang mga pangitaing kanilang sinasabi sa inyo ay hindi galing sa akin, kundi pawang kathang-isip lamang nila. Ito ang gagawin ko sa mga propetang hindi ko sinugo ngunit nagpapahayag sa aking pangalan at nagsasabing hindi daranas ng taggutom ang lupain—lilipulin ko sila sa pamamagitan ng digmaan at taggutom. Pati ang mga taong pinagsabihan nila ng mga bagay na ito ay masasawi sa digmaan at sa taggutom. Itatapon sa mga lansangan ng Jerusalem ang kanilang mga bangkay, at walang maglilibing sa kanila. Ganyan ang mangyayari sa kanilang lahat kasama ang kanilang mga asawa't mga anak. Pagbabayarin ko sila sa kanilang kasamaan.” Inutusan ni Yahweh si Jeremias na ipaalam sa bayan ang kanyang kalungkutan; at sabihin, “Araw-gabi'y hindi na ako titigil ng pag-iyak; sapagkat malalim ang sugat ng aking bayan, sila'y lubhang nasaktan. Kapag lumabas ako sa kabukiran, nakikita ko ang mga nasawi sa digmaan; kapag ako'y pumunta sa mga bayan, naroon naman ang mga taong namamatay sa gutom. Patuloy sa kanilang gawain ang mga propeta at mga pari, subalit hindi nila alam kung ano ang kanilang ginagawa.” Yahweh, lubusan mo na bang itinakwil ang Juda? Kinapootan mo na ba ang mga taga-Zion? Bakit ganito kalubha ang parusa mo sa amin, parang wala na kaming pag-asang gumaling? Naghanap kami ng kapayapaan ngunit nabigo kami; umasa kaming gagaling ngunit sa halip takot ang dumating. Yahweh, kinikilala namin ang aming kasamaan, at ang pagtataksil ng aming mga magulang; kaming lahat ay nagkasala sa iyo. Huwag mo kaming itakwil, alang-alang sa iyong pangalan; huwag mong itulot na mapahiya ang Jerusalem, ang kinalalagyan ng marangal mong trono. Alalahanin mo ang ating kasunduan; huwag mo sana itong sirain. Hindi makakagawa ng ulan ang mga diyus-diyosan ng alinmang bansa; hindi makapagpapaambon man lamang ang mga langit. Nasa iyo, O Yahweh, ang aming pag-asa, sapagkat ikaw lamang ang makakagawa ng mga bagay na ito. Pagkatapos ay sinabi sa akin ni Yahweh, “Kahit na sina Moises at Samuel ang makiusap sa harapan ko, hindi ko kahahabagan kahit kaunti ang mga taong ito. Paalisin mo sila; ayoko na silang makita. Kapag itinanong nila sa iyo kung saan sila pupunta, sabihin mong itinakda na ang kanilang hantungan: Ang iba sa kanila'y mamamatay sa sakit. Masasawi naman sa digmaan ang iba. Ang iba'y sa matinding gutom. At bibihagin ng mga kaaway ang iba pa! “Apat na nakakapangilabot na parusa ang ipinasiya kong ipadala sa kanila: Sila'y mamamatay sa digmaan; lalapain ng mga aso ang kanilang mga bangkay; kakainin ng mga buwitre ang kanilang laman; at sisimutin ng mababangis na hayop ang anumang matitira. Gagawin ko silang kahindik-hindik sa lahat ng tao sa buong daigdig, dahil sa mga ginawa sa Jerusalem ni Manases na anak ni Hezekias noong siya'y hari sa Juda. “Sino ang mahahabag sa inyo, mga taga-Jerusalem, at sino ang malulungkot sa sinapit ninyo? Sino ang mag-uukol ng panahon upang alamin ang inyong kalagayan? Ako'y itinakwil ninyong lahat; kayo'y tumalikod sa akin. Kaya pagbubuhatan ko kayo ng kamay at aking dudurugin, sapagkat hindi ko mapigil ang poot ko sa inyo. Akong si Yahweh ang nagsasalita. Kayo'y parang mga ipang itatahip ko, at tatangayin kayo ng hangin sa buong lupain. Padadalhan ko kayo ng kapighatian, kayo'y aking pupuksain, bayan ko, sapagkat ayaw ninyong iwan ang inyong masasamang gawa. Mas marami pa ang magiging balo sa inyong kababaihan kaysa dami ng buhangin sa dagat. Lilipulin ko ang inyong mga kabataan, aking patatangisin ang kanilang mga ina. At biglang darating sa kanila ang dalamhati at takot. Ang inang mawawalan ng pitong anak na lalaki ay mawawalan ng malay at hahabulin ang kanyang hininga. Para sa kanya, magdidilim ang dating maliwanag dahil sa malaking kahihiyan at pagdaramdam. Ang matitirang buháy ay pababayaan kong mamatay sa kamay ng kanilang mga kaaway. Ako, si Yahweh, ang maysabi nito.” Napakahirap ng kalagayan ko! Bakit pa ba ako isinilang sa daigdig na ito? Lagi akong may kaaway at kalaban sa buong lupain. Hindi ako nagpautang, o kaya'y nangutang; gayunman, nilalait ako ng lahat. Yahweh, mangyari nawa ang kanilang mga sumpa sa akin kung hindi kita pinaglingkurang mabuti, at kung hindi ako nakiusap sa iyo para sa aking mga kaaway nang sila'y naghihirap at naliligalig. Walang makakabali sa bakal, lalo na kung ang bakal ay mula sa hilaga, sapagkat ito'y hinaluan ng tanso. At sinabi sa akin ni Yahweh, “Pababayaan kong agawin ng mga kaaway ang mga kayamanan at ari-arian ng aking bayan, bilang parusa sa mga kasalanang kanilang nagawa sa buong lupain. At sila'y magiging mga alipin ng kanilang kaaway, sa isang lupaing hindi nila alam, sapagkat ang poot ko'y parang apoy na hindi mamamatay magpakailanman.” Sinabi naman ni Jeremias, “Yahweh, ikaw ang nakakaalam ng lahat. Alalahanin mo ako't tulungan. Ipaghiganti mo ako sa mga umuusig sa akin. Huwag kang papayag sa kanila at baka ako'y kanilang patayin. Ako'y hinahamak nila dahil sa iyo. Nagsalita ka sa akin, at pinakinggan kitang mabuti. Ang mga salita mo'y aking kagalakan. Ako'y sa iyo, Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat. Hindi ko sinayang ang aking panahon sa pagpapakaligaya sa buhay, kasama ang ibang mga tao, ni hindi ako nakigalak sa kanila. Dahil sa pagsunod sa iyong utos, nanatili akong nag-iisa at nagpupuyos sa galit ang kalooban ko. Bakit hindi na natapos ang aking paghihirap? Bakit hindi na gumaling ang mga sugat ko? Talaga bang wala nang lunas ito? Nais mo bang ako'y mabigo, gaya ng isang batis na natutuyo sa tag-araw?” Ganito ang isinagot ni Yahweh, “Kung manunumbalik ka, tatanggapin kita, at muli kitang gagawing lingkod ko. Kung magsasalita ka ng mga bagay na may kabuluhan, at hindi ng walang kabuluhan, muli kitang gagawing propeta. Lalapit sa iyo ang mga tao, at hindi ikaw ang lalapit sa kanila. Sa harapan ng mga taong ito'y gagawin kitang isang matibay na pader na tanso. Lalabanan ka nila, ngunit hindi sila magtatagumpay. Sapagkat ako'y sasaiyo upang ingatan ka at panatilihing ligtas. Ililigtas kita sa kamay ng masasama at iingatan laban sa mararahas.” Muling nagsalita sa akin si Yahweh at ang sabi, “Huwag kang mag-aasawa o kaya'y magkakaanak sa lupaing ito. Sasabihin ko sa iyo ang mangyayari sa mga anak na isisilang dito, gayundin sa kanilang mga magulang: Mamamatay sila dahil sa nakamamatay na karamdaman, at walang tatangis o maglilibing sa kanila. Ang kanilang mga bangkay ay parang basurang matatambak sa lupa. Sila'y mapapatay sa digmaan o mamamatay sa matinding gutom, at kakainin ng mga buwitre at mababangis na hayop ang kanilang mga bangkay. “Huwag kang papasok sa alinmang bahay na may patay. Huwag mo ring ipagdadalamhati ang pagkamatay ninuman. Sapagkat inalis ko na sa aking bayan ang kapayapaan; hindi na ako magpapakita sa kanila ng pag-ibig at kahabagan. Mayaman at dukha'y mamamatay sa lupaing ito; hindi sila ililibing o iiyakan man. Walang taong susugat sa sarili o mag-aahit ng ulo bilang tanda ng pagdadalamhati. Wala nang sasalo sa naulila upang aliwin ito. Wala nang makikiramay sa namatayan, kahit pa ama o ina ang namatay. “Huwag kang papasok sa bahay na nagdaraos ng isang malaking pista. Huwag ka ring sasalo sa kanilang kainan at inuman. Ako si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel. Pakinggan mo ang aking sasabihin: Sasalantain ko ang lugar na ito. Hindi na maririnig pa ang mga himig ng kagalakan at katuwaan. Hindi na maririnig ang masasayang tinig ng mga ikakasal. Ang kaganapan ng mga bagay na ito'y masasaksihan ng mga narito. “At kapag sinabi mo sa kanila ang lahat ng ito, itatanong nila sa iyo kung bakit ko sila pinaparusahan nang gayon. Itatanong nila kung anong kasalanan ang nagawa nila laban sa akin na kanilang Diyos. Sabihin mo sa kanila, ‘Ganito ang sabi ni Yahweh: Ang inyong mga ninuno ay tumalikod sa akin; sumamba at naglingkod sila sa mga diyus-diyosan. Itinakwil nila ako at hindi sinunod ang aking mga utos. Ngunit higit na masama ang ginawa ninyo kaysa ginawa ng inyong mga ninuno. Kayong lahat ay matitigas ang ulo, masasama, at hindi sumusunod sa akin. Dahil dito, ipapatapon ko kayo sa isang bayang hindi ninyo alam maging ng inyong mga ninuno. Doo'y maglilingkod kayo sa ibang diyos araw at gabi, at hindi ko kayo kahahabagan.’” “Darating ang panahon,” sabi ni Yahweh, “na wala nang manunumpa nang ganito, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy na nagpalaya sa Israel mula sa Egipto!’ Sa halip, ang sasabihin nila'y, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy na nagpalaya sa Israel mula sa lupain sa hilaga, at mula sa iba't ibang bansang pinagtapunan sa kanila.’ Ibabalik ko sila sa sarili nilang bayan, ang lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno. Akong si Yahweh ang nagsasalita.” “Magpapadala ako ng maraming mangingisda upang hulihin ang mga taong ito na gaya ng isda. Magsusugo rin ako ng maraming mangangaso upang hanapin sila sa bawat bundok at burol, pati sa mga guwang ng mga bato. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito. Nakikita ko ang lahat ng ginagawa nila. Walang anumang maitatago sa akin; hindi mawawala sa aking paningin ang kanilang mga kasalanan. Magbabayad sila nang makalawang beses sa kanilang mga kasalanan at kasamaan sapagkat nilapastangan nila ang aking lupain sa pamamagitan ng pagsamba sa mga diyus-diyosang walang buhay at kasuklam-suklam na gawain.” O Yahweh, ikaw ang aking lakas at tanggulan; ang aking takbuhan sa oras ng kagipitan. Sa iyo magsisilapit ang mga bansa mula sa kadulu-duluhan ng daigdig at kanilang sasabihin, “Ang mga diyos ng aming mga ninuno'y pawang bulaan at walang kabuluhan. Maaari bang gumawa ng sarili nilang diyos ang mga tao? Hindi! Kung gagawa sila, hindi ito maaaring maging tunay na diyos.” “Kaya nga magmula ngayon,” sabi ni Yahweh, “ipapaalam ko sa lahat ng bansa ang aking kapangyarihan at lakas, at makikilala nilang ako nga si Yahweh.” Sinasabi ni Yahweh, “Mga taga-Juda, ang inyong mga kasalanan ay isinulat ng panulat na bakal; iniukit sa pamamagitan ng matulis na diyamante sa inyong mga puso, at sa mga sulok ng inyong mga altar. Naalala ng inyong mga anak ang mga altar at haliging ginawa ninyo para sa diyosang si Ashera. Ang mga ito'y nakatayo sa tabi ng malalagong puno sa ibabaw ng mga sagradong burol, at sa mga bundok na nasa maluwang na lupain. Pababayaan kong makuha ng inyong mga kaaway ang mga kayamanan at mga ari-arian ninyo dahil sa mga kasalanang ginawa ninyo sa buong lupain. Mapipilitan kayong isuko ang lupaing ibinigay ko sa inyo. At gagawin ko kayong mga alipin ng inyong mga kaaway sa lupaing wala kayong nalalaman, sapagkat parang apoy ang aking galit, at mananatiling nagniningas magpakailanman.” Sinasabi ni Yahweh, “Susumpain ko ang sinumang tumatalikod sa akin, at nagtitiwala sa kanyang kapwa-tao, sa lakas ng mga taong may hangganan ang buhay. Ang katulad niya'y halamang tumubo sa disyerto, sa lupang tuyo at maalat, na walang ibang tumutubo; walang mabuting mangyayari sa kanya. “Mapalad ang mga taong nagtitiwala kay Yahweh, pagpapalain ang umaasa sa kanya. Katulad niya'y isang punongkahoy na nakatanim sa tabi ng batisan; ang mga ugat ay patungo sa tubig; hindi ito manganganib kahit dumating ang tag-init, sapagkat mananatiling luntian ang mga dahon nito, kahit hindi umulan ay wala itong aalalahanin; patuloy pa rin itong mamumunga. “Sino ang makakaunawa sa puso ng tao? Ito'y mandaraya at walang katulad; wala nang lunas ang kanyang kabulukan. Akong si Yahweh ang sumisiyasat sa isip at sumasaliksik sa puso ng mga tao. Ginagantimpalaan ko ang bawat isa ayon sa kanyang pamumuhay, at ginagantimpalaan ayon sa kanyang ginagawa.” Ang taong nagkakamal ng salapi sa pandaraya ay parang ibong pumipisa sa hindi niya itlog. Mawawala ang mga kayamanang iyon sa panahon ng kanyang kalakasan, at sa bandang huli, siya'y mapapatunayang isang hangal. Ang ating Templo'y katulad ng isang maharlikang trono, nakatayo sa isang mataas na bundok buhat pa noong una. Ikaw, Yahweh, ang pag-asa ng Israel; mapapahiya ang lahat ng magtatakwil sa iyo. Maglalaho silang gaya ng pangalang isinulat sa alabok, sapagkat itinakwil ka nila, Yahweh, ang bukal ng tubig na nagbibigay-buhay. Yahweh, pagalingin mo ako, at ako'y lubusang gagaling; sagipin mo ako, at ako'y ganap na maliligtas. Ikaw ang tangi kong pupurihin! Sinasabi sa akin ng mga tao, “Nasaan ang mga banta ni Yahweh laban sa amin? Bakit hindi niya ito gawin ngayon?” Hindi ko hiniling na parusahan mo sila, o ninais na sila'y mapahamak. Yahweh, nalalaman mo ang lahat ng ito; alam mo kung ano ang aking mga sinabi. Huwag mo sana akong takutin; ikaw ang kublihan ko sa panahon ng kagipitan. Biguin mo ang mga umuusig sa akin; ngunit huwag mo akong ilagay sa kahihiyan. Hasikan mo sila ng takot ngunit huwag mo akong tatakutin. Parusahan mo sila at sila'y iyong wasakin. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Pumunta ka at tumayo sa Pintuang-bayan na pinapasukan at nilalabasan ng mga hari ng Juda; pagkatapos, gayundin ang iyong gawin sa lahat ng pintuang-bayan sa Jerusalem. Sabihin mo sa mga hari, sa lahat ng taga-Juda, sa sinumang nakatira sa Jerusalem, at sa pumapasok sa mga pintuang-bayang ito, na pakinggan ang sasabihin ko: Kung ayaw ninyong mapahamak, huwag kayong magbubuhat ng anuman kung Araw ng Pamamahinga; huwag kayong papasok sa pintuang-bayan ng Jerusalem na may dalang anuman sa araw na iyon. Huwag din kayong magbubuhat ng anuman mula sa inyong bahay at huwag kayong gagawa ng anumang trabaho sa Araw ng Pamamahinga; ito'y igalang ninyo bilang banal na araw, gaya ng iniutos ko sa inyong mga magulang. Ngunit hindi sila nakinig sa akin o kaya'y sumunod, sa halip, nagmatigas pa sila. Ayaw nila akong sundin o paturo sa akin. “Ngunit kung kayo'y makikinig sa akin, at hindi magdadala ng anuman pagpasok sa pintuang-bayan ng lunsod na ito kung Araw ng Pamamahinga; kung igagalang ninyo ang araw na ito bilang banal at hindi kayo gagawa ng anumang gawain, makakapasok sa mga pintuang-bayan ng Jerusalem ang inyong mga hari at pinuno, at mauupo sa trono gaya ni David. Kasama ng mga taga-Juda at taga-Jerusalem, sasakay sila sa mga karwahe at mga kabayo, at laging mapupuno ng mga tao ang lunsod ng Jerusalem. Darating ang mga tao mula sa bawat bayan sa Juda at sa mga nayon sa paligid ng Jerusalem; may darating mula sa lupain ng Benjamin, mula sa paanan ng mga bundok, mula sa kaburulan, at mula sa timog ng Juda. Magdadala sila sa aking Templo ng mga haing susunugin at mga handog na pagkaing butil at inumin, kamanyang, gayundin ng mga handog bilang pasasalamat. Ngunit kailangang sumunod sila sa akin. Dapat nilang igalang ang Araw ng Pamamahinga, at huwag magbubuhat ng anuman sa araw na iyon pagpasok nila sa Jerusalem. Kung hindi, susunugin ko ang mga pintuang-bayan ng Jerusalem. Matutupok ang mga palasyo sa Jerusalem, at walang sinumang makakapatay sa sunog na ito.” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Magpunta ka sa bahay ng magpapalayok, at may ipahahayag ako sa iyo.” Kaya nagpunta naman ako, at dinatnan ko ang magpapalayok sa kanyang gawaan. Kapag ang ginagawa niyang palayok ay nasira, hinahalo niyang muli ang putik, at hinuhugisan nang panibago. Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh, “O Israel, wala ba akong karapatang gawin sa iyo ang ginawa ng magpapalayok sa putik na iyon? Kayo'y nasa mga kamay ko, tulad ng putik sa kamay ng magpapalayok. Kung sinabi ko man sa isang pagkakataon na aking bubunutin, ibabagsak o lilipulin ang alinmang bansa o kaharian, at ang bansang iyon ay tumalikod sa kanyang kasamaan, hindi ko na itutuloy ang aking sinabing gagawin. Sa kabilang dako, kung sinabi ko man na itatayo ko o itatatag ang isang bansa o kaharian, at gumawa pa rin ng kasamaan ang bansang iyon at hindi nakinig sa akin, babaguhin ko ang aking magandang balak. Kaya nga, sabihin mo sa mga naninirahan sa Juda at sa Jerusalem na may binabalak ako laban sa kanila at ako'y naghahanda upang parusahan sila. Sabihin mo sa kanila na tigilan na ang makasalanang pamumuhay at magbago na sila. Ang isasagot nila, ‘Hindi! Lalo pa kaming magmamatigas at magpapakasama hanggang gusto namin.’” Kaya nga, ito ang sabi ni Yahweh: “Tanungin mo ang alinmang bansa, kung may nangyari na bang ganito kahit kailan? Napakasama ng ginawa ng bayang Israel! Nawawalan ba ng yelo ang mabatong kabundukan ng Lebanon? Natutuyo ba ang umaagos at malamig na batis doon? Subalit ako'y kinalimutan ng aking bayan; nagsusunog sila ng kamanyang sa mga diyus-diyosan. Nadapa sila sa daang dapat nilang lakaran, at hindi na nila dinaanan ang lumang kalsada; lumakad sila sa mga daang walang palatandaan. Ang lupaing ito'y ginawa nilang pook ng katatakutan, at pandidirihan habang panahon. Masisindak ang bawat dadaan dito dahil sa makikita nila; mapapailing na lamang sila sa malaking pagtataka. Pangangalatin ko ang aking bayan sa harapan ng kanilang mga kaaway, gaya ng alikabok na hinihipan ng malakas na hangin. Tatalikuran ko sila at hindi tutulungan pagdating ng araw ng kapahamakan.” Nang marinig ito ng mga tao, sinabi nila, “Patayin na natin si Jeremias! May mga pari namang magtuturo sa atin, mga matatalino na magbibigay ng payo, at mga propetang magpapahayag ng mensahe ng Diyos. Isakdal natin siya, at huwag nang pakinggan ang mga sinasabi niya.” Kaya nanalangin si Jeremias, “Yahweh, pakinggan mo ang aking dalangin; nalalaman mo ang binabalak ng aking mga kaaway. Ang kabayaran ba ng kabutihan ay kasamaan? Ano't naghanda sila ng hukay upang ako'y patayin? Nalalaman mo kung paano ko sila idinalangin sa iyo upang huwag mong ipalasap sa kanila ang iyong poot. Kaya ngayon, Yahweh, pabayaan mo nang mamatay sa gutom ang kanilang mga anak. Pabayaan mong mamatay sila sa digmaan. Pabayaan mong maulila sa asawa't mga anak ang mga babae, mamatay sa sakit ang mga kalalakihan, at masawi sa pakikidigma ang kanilang mga kabataang lalaki. Magpadala ka ng masasamang-loob upang nakawan ang kanilang mga tahanan nang walang babala. Pabayaan mo silang magsigawan sa takot. Naghanda sila ng hukay upang mahulog ako at ng mga bitag upang ako'y mahuli. Yahweh, nalalaman mo ang kanilang balak na pagpatay sa akin. Huwag mo silang patawarin sa kanilang kasamaan; huwag mong alisin sa iyong paningin ang kanilang kasalanan. Ibagsak mo silang lahat. Parusahan mo sila habang nag-aalab ang iyong poot.” Inutusan ako ni Yahweh na bumili ng isang banga. Pagkatapos, inutusan rin niya akong tumawag ng ilang matatandang pinuno sa bayan at ng ilang nakatatandang pari, at isama sila sa Libis ng Ben Hinom, sa makalabas ng Pintuan ng Magpapalayok. Doon ko ipahahayag ang mensaheng ibibigay niya sa akin. Ganito ang sabi niya: “Pakinggan ninyo, mga hari ng Juda at mga taga-Jerusalem, ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Ang pook na ito'y padadalhan ko ng malagim na kapahamakan, at mangingilabot ang sinumang makakabalita niyon. Ganyan ang gagawin ko sapagkat ako'y itinakwil ng bayang ito, at pinarumi nila ang lupain dahil naghandog sila sa mga diyus-diyosang hindi naman nila nakikilala maging ng kanilang mga ninuno at ng mga hari ng Juda. Ang lupaing ito'y tinigmak nila ng dugo ng mga taong walang kasalanan. Nagtayo sila ng mga altar para kay Baal upang doon sunugin ang kanilang mga anak bilang handog sa kanya. Kailanma'y hindi ko iniutos o inisip man lamang na gawin nila ito. Kaya darating ang panahon na hindi na tatawaging Tofet o Libis ng Ben Hinom ang lugar na ito. Sa halip ay tatawagin itong Libis ng Kamatayan. Ako, si Yahweh, ang nagsabi nito. Sa pook na ito'y bibiguin ko ang lahat ng panukala ng mga taga-Juda at Jerusalem. Ipapalupig ko sila sa kanilang mga kaaway, at marami ang mamamatay sa labanan. Ang kanilang mga bangkay ay kakainin ng mga buwitre at mga hayop sa gubat. Nakakapangilabot na pagkawasak ang magaganap sa lunsod na ito, at ang bawat maparaan dito'y manghihilakbot. Kukubkubin ng mga kaaway ang lunsod na ito upang ang mga nanirahan dito'y patayin sa gutom. At dahil sa matinding gutom ng mga tao, kakanin nila ang laman ng kanilang kapwa, at pati na ng kanilang sariling mga anak.” Pagkatapos, iniutos sa akin ni Yahweh na basagin ang banga sa harap ng mga isinama ko, at sabihin sa kanila: “Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat: Dudurugin ko ang lunsod na ito at ang mga naninirahan dito, gaya ng ginawa mo sa banga; ito'y hindi na muling mabubuo. Pati ang Tofet ay paglilibingan ng mga bangkay sapagkat wala nang ibang mapaglilibingan sa kanila. Ganito ang gagawin ko sa lunsod na ito at sa mga naninirahan dito. Matutulad sila sa Tofet. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. Magiging maruming gaya ng Tofet ang mga bahay sa Jerusalem, ang mga palasyo ng mga hari sa Juda, at lahat ng gusali, sapagkat sa mga bubungan ng mga gusaling ito'y nagsunog sila ng kamanyang para sa mga bituin at nagbuhos ng inuming handog sa ibang mga diyos.” Nilisan ko ang Tofet pagkatapos kong sabihin doon ang pahayag ni Yahweh. Pumunta naman ako at tumayo sa bulwagan ng Templo at sinabi sa lahat ng naroroon, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Ipapataw ko na sa lunsod na ito at sa mga karatig-bayan ang lahat ng parusang binanggit ko, sapagkat matitigas ang ulo ninyo at ayaw ninyong pakinggan ang aking sinasabi.” Si Pashur na anak ni Imer ay isang pari at siyang pinakapuno ng mga naglilingkod sa templo. Narinig niya ang pahayag ni Jeremias. Kaya ipinabugbog niya ito, ikinadena ang mga paa't kamay, at ipinabilanggo sa itaas ng Pintuan ni Benjamin, na nasa hilagang bakuran ng templo. Kinaumagahan, nang siya'y pakalagan na ni Pashur, sinabi ni Jeremias sa kanya, “Hindi na Pashur ang tawag sa iyo ni Yahweh kundi Takot sa Lahat ng Dako. Sapagkat ang sabi ni Yahweh: ‘Gagawin kitang katatakutan ng iyong sarili at ng mga kaibigan mo. Makikita mo ang pagkamatay nilang lahat sa tabak ng kaaway. Ipapailalim ko ang lahat ng taga-Juda sa kapangyarihan ng hari ng Babilonia; ang iba'y dadalhin niyang bihag sa Babilonia at ipapapatay naman ang iba. Pababayaan ko ring makuha ng mga kaaway ang lahat ng kayamanan sa lunsod na ito, at kamkamin ang lahat ninyong ari-arian, pati ang mga kayamanan ng mga hari ng Juda. Dadalhin nila sa Babilonia ang lahat ng maaaring pakinabangan. Ikaw naman, Pashur, at ang iyong buong sambahayan ay mabibihag at dadalhin sa Babilonia. Doon na kayo mamamatay at malilibing, kasama ng inyong mga kaibigan na pinagsabihan mo ng mga kasinungalingan.’” Yahweh, ako'y iyong hinikayat, at naniwala naman ako. Higit kang malakas kaysa akin kaya ikaw ay nagwagi. Pinagkatuwaan ako ng lahat; at maghapon nila akong pinagtatawanan. Tuwing ako'y magsasalita at sisigaw ng “Karahasan! Pagkawasak!” Pinagtatawanan nila ako't hinahamak, sapagkat ipinapahayag ko ang iyong salita. Ngunit kung sabihin kong, “Kalilimutan ko na si Yahweh at hindi na ako magsasalita para sa kanyang pangalan,” para namang apoy na naglalagablab sa aking kalooban ang iyong mga salita, apoy na nakakulong sa aking mga buto. Sinikap kong tiisin ito, ngunit hindi ko na kayang pigilin pa. Naririnig kong maraming nagbubulungan. Tinagurian nila akong “Takot sa Lahat ng Dako.” Sinasabi nila, “Isumbong natin! Isumbong natin sa may kapangyarihan!” Pati matatalik kong kaibiga'y naghahangad ng aking kapahamakan. Sabi pa nila, “Marahil ay malilinlang natin siya; pagkatapos, hulihin natin at paghigantihan.” Subalit ikaw, Yahweh, ay nasa panig ko, tulad sa malakas at makapangyarihang mandirigma; mabibigo ang lahat ng umuusig sa akin, mapapahiya sila at hindi magtatagumpay kailanman. Hindi na makakalimutan ang kanilang kahihiyan habang panahon. Makatarungan ka kung sumubok sa mga tao, Yahweh, na Makapangyarihan sa lahat, alam mo ang laman ng kanilang mga puso't isip. Kaya ikaw ang maghiganti sa mga kaaway ko, ipinagkakatiwala ko sa mga kamay mo ang aking kapakanan. Awitan ninyo si Yahweh, siya'y inyong papurihan, sapagkat inililigtas niya ang mga api mula sa kamay ng mga gumagawa ng kasamaan. Sumpain nawa ang araw nang ako'y isilang! Huwag ninyong ituring na araw na pinagpala ang araw nang ako'y ipanganak! Sumpain nawa ang taong nagbalita sa aking ama, “Lalaki ang anak ninyo!” na nagdulot sa kanya ng malaking kagalakan. Matulad nawa ang taong iyon sa mga lunsod na winasak ni Yahweh nang walang awa. Makarinig nawa siya ng iyakan sa umaga, at hiyawan naman sa tanghali; sapagkat hindi niya ako pinatay bago ako isinilang. Sa gayon, naging libingan ko sana ang tiyan ng aking ina. Bakit pa ako isinilang kung ang mararanasan ko lamang ay hirap, kalungkutan at kahihiyan habang ako'y nabubuhay? Sina Pashur na anak ni Malchias, at ang paring si Zefanias na anak naman ni Maaseias, ay pinapunta ni Haring Zedekias kay Jeremias upang ipakiusap kay Yahweh ang binabalak ni Haring Nebucadnezar na pakikipagdigma sa kanila. Sabi pa nila, “Marahil ay gagawa ng isang kamangha-manghang bagay si Yahweh, gaya ng ginawa niya noong unang panahon, upang hindi na ituloy ni Nebucadnezar ang kanyang balak na pagsalakay.” Ganito ang sinabi ni Yahweh kay Jeremias bilang tugon sa kanila: “Sabihin mo kay Zedekias na ito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: Itataboy kong pabalik ang mga kawal na pinahaharap mo sa hari ng Babilonia at sa kanyang hukbo na ngayo'y nakapaligid sa inyo. Kukunin ko ang kanilang mga sandata at ibubunton ko sa gitna ng lunsod na ito. Ako mismo ang lalaban sa inyo dahil sa tindi ng aking galit at poot na parang apoy na naglalagablab. Ang buong lakas ko'y gagamitin ko laban sa inyo. Pupuksain ko ang lahat ng naninirahan sa lunsod, maging tao o hayop; mamamatay sila sa matinding salot. Pagkatapos, si Haring Zedekias ng Juda, ang kanyang mga tauhan at nasasakupan, at lahat ng nasa lunsod na nakaligtas sa labanan, sa salot, at sa gutom, ay ibibigay ko naman sa kamay ni Nebucadnezar, hari ng Babilonia, at ng iba pa nilang kaaway. Papatayin silang lahat, at walang sinumang makakaligtas. Hindi niya sila kahahabagan kahit kaunti man. Ako, si Yahweh, ang maysabi nito. “Sabihin mo sa bayang ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Narito ang buhay at ang kamatayan. Mamili kayo sa dalawa. Ang mananatili sa lunsod na ito ay mamamatay sa labanan, sa gutom o sa salot; ngunit ang susuko sa mga taga-Babilonia na sumasalakay na ngayon sa inyo ay hindi mamamatay. Maililigtas nila ang kanilang sariling buhay. Nakapagpasya na akong wasakin ang lunsod na ito; ito'y sasakupin at susunugin ng hari ng Babilonia. “Sabihin mo sa angkan ng mga hari ng Juda: Pakinggan ninyo ang sinasabi ni Yahweh. Sa buong angkan ni David, ito ang sabi ni Yahweh sa inyo: Pairalin ninyo ang katarungan araw-araw. Iligtas ninyo sa kamay ng mapang-api ang mga dukha; kung hindi, mag-aalab laban sa inyo ang aking poot, parang apoy na hindi maaapula dahil sa inyong masasamang gawa. Ikaw, Jerusalem, nakatayo ka sa itaas ng mga libis, parang batong namumukod sa gitna ng kapatagan. Ngunit kakalabanin kita. Sinasabi mong walang makakadaig sa iyo; walang makakapasok sa iyong mga kuta. Paparusahan kita ayon sa iyong masasamang gawa. Susunugin ko ang iyong palasyo at lalaganap ang apoy sa buong paligid at tutupukin nito ang lahat ng naroon. Akong si Yahweh ang maysabi nito.” Pinapunta ako ni Yahweh sa palasyo ng hari ng Juda at ipinasabi niya sa hari, sa mga lingkod nito, at sa lahat ng taga-Jerusalem: “Pairalin ninyo ang katarungan at katuwiran. Ipagtanggol ninyo ang mga naaapi laban sa mapagsamantala. Huwag ninyong sasaktan o aapihin ang mga dayuhan, mga ulila, at mga balo. Huwag kayong papatay ng mga taong walang kasalanan sa banal na lunsod na ito. Kung susundin ninyo ang mga utos ko, mananatili ang paghahari ng angkan ni David. At papasok silang nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo, kasama ang kanilang mga tauhan at nasasakupan. Subalit kung hindi kayo makikinig sa sinasabi ko, isinusumpa ko na aking wawasakin ang palasyong ito. Ganito ang sabi ni Yahweh tungkol sa palasyo ng hari ng Juda: “Ang palasyong ito'y singganda ng lupain ng Gilead, at nakakatulad ng Bundok ng Lebanon. Ngunit isinusumpa ko na gagawin ko itong isang disyerto, isang lunsod na walang mananahan. Magpapadala ako ng mga wawasak dito; may dalang palakol ang bawat isa. Puputulin nila ang mga haliging sedar nito at ihahagis sa apoy. “Magtatanungan ang mga taong magdaraan dito mula sa iba't ibang bansa, ‘Bakit ganyan ang ginawa ni Yahweh sa dakilang lunsod na ito?’ At ang isasagot sa kanila, ‘Sapagkat hindi nila tinupad ang kasunduan nila ni Yahweh na kanilang Diyos; sa halip, sumamba sila at naglingkod sa mga diyus-diyosan.’” Huwag ninyong iyakan ang isang taong patay, o ikalungkot ang kanyang kamatayan. Sa halip, tangisan ninyo si Sallum, sapagkat siya'y dinalang-bihag, at hindi na magbabalik. Hindi na niya makikita pa ang lupang kanyang sinilangan. Ito ang pahayag ni Yahweh tungkol kay Sallum na humalili sa kanyang amang si Josias bilang hari ng Juda, “Umalis siya ng Juda at hindi na magbabalik. Doon na siya mamamatay sa lugar na pinagdalhan sa kanya bilang bihag, at hindi na niya makikita pang muli ang kanyang bayan.” “Kahabag-habag ang magiging wakas ng taong nagtatayo ng kanyang bahay sa pamamagitan ng pandaraya, at naglalagay ng mga silid dito sa pamamagitan ng panlilinlang. Pinagtatrabaho niya ang kanyang kapwa nang walang kabayaran. Sinasabi pa niya, ‘Magtatayo ako ng malaking bahay na may malalaking silid sa itaas. Lalagyan ko ito ng mga bintana, tablang sedar ang mga dingding, at pipinturahan ko ng kulay pula.’ Kung gumamit ka ba ng sedar sa iyong bahay, ikaw ba'y isa nang haring maituturing? Alalahanin mo ang iyong ama; siya'y kumain at uminom, naging makatarungan siya at matuwid; kaya siya'y namuhay na tiwasay. Tinulungan niya ang mga dukha at nangangailangan, kaya pinagpala siya sa lahat ng bagay. Pinatunayan niyang ako'y kanyang nakikilala. Subalit kayo, wala kayong iniisip kundi ang sariling kapakanan. Pumapatay kayo ng taong walang kasalanan, at pinagmamalupitan ang mga tao.” Ito ang sabi ni Yahweh. Kaya ganito ang sabi ni Yahweh tungkol kay Jehoiakim, anak ni Haring Josias ng Juda: “Walang tatangis sa kanyang pagpanaw o magsasabing, ‘Mahal kong kapatid! O, ang kapatid ko!’ Wala ring tatangis para sa kanya, at sisigaw ng, ‘O, panginoon! O aking hari!’ Ililibing siyang tulad sa isang patay na asno; kakaladkarin at ihahagis sa labas ng pintuang-bayan ng Jerusalem.” Umakyat kayo sa Lebanon at humiyaw, sumigaw kayo hanggang sa marinig sa Bashan ang inyong tinig. Kayo'y manangis mula sa tuktok ng Bundok Abarim, sapagkat nilipol nang lahat ang kapanalig ninyo. Nagsalita ako sa inyo noong kayo'y masagana, subalit hindi kayo nakinig. Ganyan na ang ugali ninyo mula pa sa inyong kabataan; kahit minsan ay hindi kayo sumunod sa akin. Tatangayin ng malakas na hangin ang inyong mga pinuno; mabibihag ang lahat ng nagmamahal sa inyo. Wawasakin ang lunsod ninyo at kayo'y mapapahiya dahil sa inyong masasamang gawa. Kayong nakatira sa mga bahay na yari sa sedar buhat sa Lebanon, kaawa-awa kayo sa hirap na daranasin ninyo pagdating ng panahon, gaya ng hirap ng babaing manganganak! Sinabi ni Yahweh, “Kung ikaw man, Conias, anak ni Haring Jehoiakim ng Juda, ay naging singsing na aking pantatak, huhugutin kita sa aking daliri. Ibibigay kita sa kamay ng mga ibig pumatay sa iyo, sa mga taong iyong kinatatakutan, kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at sa kanyang mga sundalo. Itatapon ko kayong mag-ina sa isang lupaing malayo sa lupang sinilangan mo. Doon na kayo mamamatay. At hindi na kayo makakabalik sa sariling bayan na nais ninyong makitang muli.” Ito bang si Conias ay tulad sa isang bangang itinakwil, basag, at walang ibig umangkin? Bakit siya itinapon, pati ang kanyang mga anak, sa isang bansang wala silang nalalaman? O aking bayan! Pakinggan ninyo ang mensahe ni Yahweh! Ganito ang sinasabi niya: “Isulat mo tungkol sa lalaking ito na siya'y hinatulang mawawalan ng anak, na hindi magtatagumpay sa kanyang buhay, sapagkat wala siyang anak na hahalili sa trono ni David at maghaharing muli sa Juda.” Paparusahan ni Yahweh ang mga namumunong walang malasakit sa kanilang mga nasasakupan at pinababayaang ang mga ito ay magkawatak-watak at mamatay. Ito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, tungkol sa mga pinunong nangangalaga sa kanyang bayan: “Pinapangalat ninyo at ipinagtabuyan ang aking kawan. Hindi ninyo sila binantayan kaya kayo'y paparusahan ko dahil sa inyong ginawang ito. Ako na ang magtitipon sa mga nalabi sa aking mga tupa mula sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila. Ibabalik ko sila sa kanilang tinubuang lupa, at sila'y muling darami. Hihirang ako ng mga tagapangunang magmamalasakit at mangangalaga sa kanila. Hindi na sila muli pang daranas ng takot at pag-aalala, at wala nang maliligaw kahit isa. Akong si Yahweh ang maysabi nito.” “Nalalapit na ang araw,” sabi ni Yahweh, “na pipili ako ng isang matuwid na Sanga na magmumula sa lahi ni David, isang hari na mamamahala ng buong karunungan. Paiiralin niya sa buong lupain ang katarungan at katuwiran. Magiging ligtas ang Juda sa panahon ng kanyang pamamahala, at ang Israel ay mapayapang mamumuhay. Ito ang pangalang itatawag sa kanya: ‘Si Yahweh ang ating katuwiran.’” Ang sabi ni Yahweh, “Tiyak na darating ang panahon na ang mga tao'y hindi na manunumpa nang ganito: ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy na nagpalaya sa Israel mula sa Egipto.’ At sa halip, sasabihin nila, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy na nagpalaya at nanguna sa mga Israelita mula sa lupain sa hilaga at sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila. Babalik sila sa sariling lupa at doon muling mamumuhay.’” Tungkol sa mga bulaang propeta, ito ang pahayag ni Jeremias: Halos madurog ang puso ko, nanginginig ang aking buong katawan; para akong isang lasing, na nasobrahan sa alak, dahil sa matinding takot kay Yahweh at sa kanyang mga banal na salita. Sapagkat napakaraming tao sa lupaing ito ang hindi tapat kay Yahweh; ginagamit nila ang kanilang kapangyarihan sa pagpapairal ng masama. Dahil sa kanyang sumpa, nagluksa ang buong lupain at natuyo ang mga pastulan. “Wala nang takot sa akin ang mga propeta at ang mga pari; gumagawa sila ng kasamaan maging sa loob ng aking Templo,” ang sabi ni Yahweh. “Kaya magiging madulas at madilim ang kanilang landas; sila'y madarapa at mabubuwal. Padadalhan ko sila ng kapahamakan; at malapit na ang araw ng kanilang kaparusahan.” Ito ang sabi ni Yahweh. “Malaking kasalanan ang nakita kong ginagawa ng mga propeta sa Samaria: Sila'y nanghuhula sa pangalan ni Baal at inililigaw ang Israel na aking bayan. Ngunit mas lalo pang kasuklam-suklam ang namasdan ko sa mga propeta sa Jerusalem: Sila'y nangangalunya at mga sinungaling, pinapalakas pa nila ang loob ng gumagawa ng masama, kaya wala nang tumatalikod sa kanyang masamang gawa. Naging katulad na sila ng mga taga-Sodoma at Gomorra.” Kaya ganito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat tungkol sa mga propeta: “Halamang mapait ang ipapakain ko sa kanila at tubig na may lason naman ang kanilang iinumin, sapagkat lumaganap na sa buong lupain ang kawalan ng pagkilala sa Diyos, dahil sa mga propeta sa Jerusalem.” Ganito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Huwag ninyong papakinggan ang mga propetang nagpapahayag sa inyo. Pawang kasinungalingan lamang ang sinasabi nila. Ang mga pangitaing kanilang sinasabi ay kathang-isip lamang nila at hindi nagmula sa akin. Palagi nilang sinasabi sa mga taong ayaw makinig sa akin, ‘Magiging mabuti ang inyong kalagayan’; at sa mga ayaw tumalikod sa kasalanan, ‘Hindi ka daranas ng anumang kahirapan.’” Subalit isa man sa mga propetang ito'y hindi nakakakilala kay Yahweh. Wala man lamang nakarinig sa kanyang pahayag o sumunod sa kanyang utos. Ang poot ni Yahweh ay parang bagyong nagngangalit, parang nag-aalimpuyong ipu-ipo na kanyang pababagsakin sa masasama. Hindi maaalis ang poot ni Yahweh hanggang hindi niya naisasakatuparan at nagaganap ang kanyang mahiwagang panukala. Sa mga huling araw ay mauunawaan ninyo ito. Sinabi ni Yahweh, “Hindi ko sinugo ang mga propetang iyan, lumakad sila nang hindi ko inuutusan. Nagpahayag sila sa aking pangalan, gayong wala naman akong sinabi sa kanila. Kung tunay nilang natutuhan ang aking mga salita, maipapangaral nila ang aking mensahe sa mga tao at sila'y magsisi at tatalikod sa kanilang masasamang gawa. “Ako ay Diyos na nasa lahat ng dako, at hindi nananatili sa iisang lugar lamang. Walang makakapagtago sa akin; makikita ko siya kahit saan siya pumunta. Sapagkat ako'y nasa lahat ng lugar sa langit at sa lupa. Alam ko ang ginagawa ng mga propetang sinungaling; ginagamit nila ang aking pangalan at ipinamamalitang binigyan ko sila ng pangitain! Kailan pa ba magbabago ang mga propetang ito na nangangaral ng kasinungalingan at nagpapahayag ng pandaraya ng kanilang mga puso? Akala nila'y malilimot ako ng aking bayan dahil sa mga pangitaing sinasabi nila, gaya ng paglimot sa akin ng kanilang mga ninuno at naglingkod kay Baal. Kung nanaginip ang isang propeta, dapat niyang sabihing ito'y panaginip lamang; ngunit kung narinig niya ang aking salita, ipahayag niya ito nang buong katapatan. Ano ang kaugnayan ng ipa sa trigo?” sabi ni Yahweh. “Parang apoy ang aking salita at katulad ng martilyo na dumudurog sa malaking bato. Ako'y laban sa mga propetang gumagamit ng salita ng ibang propeta at sinasabing iyon ang aking mensahe. Ako'y laban sa mga propetang kumakatha ng sariling salita at pagkatapos ay sasabihing galing iyon kay Yahweh. Ako'y laban sa mga propetang nagsasalaysay ng kasinungalingan upang dayain ang aking bayan. Hindi ko sila sinugo at wala silang kabutihang magagawa sa bayang ito.” Sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Kung tanungin ka ng mga taong ito o ng isang propeta o pari, ‘Ano ang ipinapasabi ni Yahweh?’ ganito ang isagot mo, ‘Kayo ang nagiging pabigat kay Yahweh, kaya kayo'y itatakwil niya.’ Ang bawat propeta, pari o sinumang magsalita ng, ‘Ang nakakabigat kay Yahweh,’ ay paparusahan ko, pati ang kanyang sambahayan. Ang sasabihin ninyo sa isa't isa, ‘Ano ang sagot ni Yahweh?’ o kaya, ‘Ano ang sabi ni Yahweh?’ Ngunit huwag na ninyong sasabihin kahit kailan ang, ‘Ito ang nakakabigat kay Yahweh.’ Mabibigatan talaga ang sinumang gagamit ng mga salitang ito, sapagkat binabaluktot niya ang salita ng kanyang Diyos, ang Diyos na buháy, ang Makapangyarihan sa lahat, si Yahweh. Ganito ang sasabihin ninyo kung kinakausap ninyo ang isang propeta: ‘Ano ang sagot ni Yahweh?’ o kaya, ‘Ano ang sabi ni Yahweh?’ Ngunit kapag ginamit pa ninyo ang mga salitang, ‘Ito ang nakakabigat kay Yahweh,’ matapos kong ipagbawal ang paggamit niyon, kayo'y ituturing ko ngang pasaning nakakabigat, at itatapon sa malayo, kayo at ang lunsod na ibinigay ko sa inyo at sa inyong mga ninuno. Ilalagay ko kayo sa kahiya-hiyang kalagayan na hindi ninyo malilimutan habang buhay, at kayo ay hahamakin habang panahon.” Pagkatapos gapiin at dalhing-bihag sa Babilonia ng Haring Nebucadnezar si Haring Jeconias na anak ni Jehoiakim, kasama ang mga pinuno, mahuhusay na manggagawa at mga panday ng Juda mula Jerusalem patungong Babilonia, ipinakita sa akin ni Yahweh ang dalawang basket ng igos sa harap ng Templo ni Yahweh sa isang pangitain. Napakaganda ng mga igos sa unang basket, mga unang nahinog na bunga; ngunit napakasasama naman ng igos na nasa pangalawang basket, at hindi na maaaring kainin. At tinanong ako ni Yahweh, “Jeremias, ano ang nakikita mo?” Sumagot ako, “Mga igos po; napakagaganda ng nasa unang basket, ngunit napakasasama ng nasa isang basket at hindi na maaaring kainin.” Pagkatapos ay sinabi sa akin ni Yahweh, “Akong si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi: Katulad ng mabubuting igos na iyan, ang mga taga-Juda na dinalang-bihag sa Babilonia ay itinuturing kong mabubuting tao. Pangangalagaan ko sila at ibabalik balang araw sa kanilang lupain. Patatatagin ko sila at hindi lilipulin; itatanim at hindi bubunutin. Makikilala nila na ako si Yahweh; sila'y magiging aking bayan at ako ang magiging kanilang Diyos, sapagkat buong puso silang magbabalik-loob sa akin. “Ngunit kung paanong hindi makain ang napakasasamang igos,” sabi ni Yahweh, “gayon din ang gagawin ko kay Haring Zedekias ng Juda, sa kanyang mga pinuno, at sa mga natira sa Jerusalem na nananatili sa lupaing ito, pati ang mga nanirahan sa Egipto. Sila'y katatakutan sa lahat ng kaharian sa sanlibutan. Hahamakin sila, at ang pangalan nila'y magiging bukambibig sa pag-alipusta at pagsumpa kahit saan sila mapunta. Daranas sila ng digmaan, taggutom, at salot hanggang sa lubusan silang mawala sa balat ng lupa, sa lupaing ibinigay ko sa kanila at sa mga ninuno nila.” Ito ang pahayag na tinanggap ni Jeremias tungkol sa mga taga-Juda, noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoiakim, anak ni Josias ng Juda, at unang taon naman ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia. Ganito ang sinabi ni Propeta Jeremias sa lahat ng mga taga-Juda at mga naninirahan sa Jerusalem: “Sa loob ng dalawampu't tatlong taon, mula pa noong ika-13 taon ng paghahari sa Juda ni Josias na anak ni Ammon hanggang ngayon, patuloy kong sinasabi sa inyo ang mga ipinahayag ni Yahweh, subalit ayaw ninyong pakinggan. Hindi ninyo pinansin o pinakinggan ang mga propetang sinugo niya. Sinabi nila na talikuran na ninyo ang masama ninyong pamumuhay at likong gawain, upang sa gayo'y mananatili kayo habang panahon sa lupaing ibinigay sa inyo ni Yahweh at sa inyong mga magulang. Sinabi nilang huwag kayong sasamba at maglilingkod sa mga diyus-diyosan; huwag ninyong pag-aalabin ang poot ni Yahweh dahil sa pagsamba ninyo sa mga diyus-diyosang nililok ng kamay. Kung sumunod lamang kayo sa kanya, sana'y hindi niya kayo pinarusahan. Ngunit hindi kayo nakinig kay Yahweh; ginalit ninyo siya dahil sinamba ninyo ang mga diyus-diyosang inyong ginawa. Kaya naman naganap sa inyo ang kapahamakang ito. “Kaya ito ang sabi sa inyo ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: Dahil sa hindi ninyo pagsunod sa aking mga salita, tatawagin ko ang mga bansang nasa hilaga, pati ang aking lingkod na si Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Sasalakayin nila ang bansang ito, at lahat ng bansang nasa paligid. Wawasakin ko nang lubusan ang mga ito, at kasisindakan ng lahat ang kanilang sinapit. Hahamakin sila ng makakakita sa kanila at mananatiling wasak ang lupain habang panahon. Patatahimikin ko ang himig ng kagalakan at katuwaan. Hindi na rin maririnig ang masasayang tinig ng mga ikakasal. Hindi na maririnig ang ingay ng gilingan. At maglalaho rin ang liwanag ng mga ilawan. Madudurog ang buong lupain at walang mapapakinabangan. Ang kanyang mga mamamayan ay aalipinin ng hari ng Babilonia sa loob ng pitumpung taon. Pagkaraan ng pitumpung taon, paparusahan ko naman ang hari ng Babilonia, at ang kanyang mga mamamayan, dahil sa kanilang kasamaan; ibabagsak ko ang bansang iyon at hindi na makakabangon kailanman. Magaganap sa bansang iyon ang lahat ng sinabi ko laban sa kanila; lahat ng nasusulat sa aklat na ito, na ipinahayag ni Jeremias laban sa lahat ng bansa. Gagawin silang mga alipin ng maraming bansa at mga tanyag na hari; gagantihan ko sila ayon sa kanilang mga ginawa.” Ito ang mga sinabi sa akin ni Yahweh, ang Diyos ng Israel: “Kunin mo sa kamay ko ang kopang ito na punô ng alak ng kapootan, at ipainom mo sa lahat ng bansang papupuntahan ko sa iyo. Iinumin nila ito, sila'y malalasing at mababaliw sa tindi ng parusang ipadadala ko sa kanila.” Kaya kinuha ko ang kopa sa kamay ni Yahweh, at ipinainom sa lahat ng bansang pinapuntahan niya sa akin. Pinainom ko ang Jerusalem at ang mga lunsod ng Juda, kasama ng kanilang mga hari at mga pinuno, upang sila'y mawasak nang lubusan at maging nakakatakot pagmasdan. Sila'y kukutyain at ang mga pangalan nila'y gagamiting pansumpa. Nanatili silang gayon hanggang ngayon. Pinainom ko rin ang Faraon, hari ng Egipto, pati kanyang mga lingkod at pinuno, lahat ng kanyang nasasakupan, at ang mga dayuhang nakikipamayan sa kanila; gayon din ang lahat ng hari sa lupain ng Uz, at lahat ng hari sa lupain ng mga Filisteo na taga-Ascalon, Gaza, Ekron at ang natira sa Asdod; ang Edom, Moab, at ang mga anak ni Ammon; lahat ng hari sa Tiro, sa Sidon, at sa mga pulo sa ibayong-dagat; sa mga Lunsod ng Dedan, Tema, Buz, at lahat ng nagpaputol ng kanilang buhok; lahat ng hari sa Arabia at ng magkakahalong liping nasa disyerto; lahat ng hari ng Zimri, ng Elam at ng Media, lahat ng hari sa hilaga, malayo man o malapit, at lahat ng kaharian sa ibabaw ng lupa. Pagkatapos nilang lahat, ang hari ng Babilonia ang huling iinom sa kopang ito. Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Sabihin mo sa mga tao: ‘Uminom kayo at magpakalasing hanggang sa kayo'y magkandasuka; mabubuwal kayo at hindi na makakabangon, sapagkat dumarating na ang digmaang padala ko sa inyo.’ Kapag tinanggihan nila ang hawak mong alak, sasabihin mo sa kanila: ‘Sinasabi ni Yahweh na kailangang inumin ninyo ito. Una kong paparusahan ang lunsod na tinawag sa aking pangalan; at paano kayo makakaligtas sa parusa? Hindi kayo makakaligtas sa parusa sapagkat padadalhan ko ng digmaan ang lahat ng naninirahan sa lupa. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito.’ “Kaya sabihin mo sa kanila ang lahat ng aking sinabi: ‘Si Yahweh ay magsasalita mula sa kaitaasan, mula sa kanyang banal na tahanan; dadagundong ang kanyang tinig sa kalangitan, at aalingawngaw sa buong daigdig gaya ng sigawan ng mga lalaking gumagawa sa pisaan ng ubas. Ang ingay ay aabot sa lahat ng panig ng sanlibutan. Sapagkat hahatulan niya ang mga bansa, gayon din ang buong sangkatauhan; ang masasama ay kanyang lilipulin. Ito ang sabi ni Yahweh.’” Ganito ang sinasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat: “Ang sakuna ay lumalaganap na sa bawat bansa, parang malakas na bagyong dumarating mula sa pinakamalayong panig ng sanlibutan. Sa araw na yaon, ang buong daigdig ay mapupuno ng bangkay ng mga pinatay ni Yahweh. Hindi na sila tatangisan, titipunin, o ililibing; magiging dumi na lamang sila sa ibabaw ng lupa!” Tumangis kayo, mga pastol, umiyak kayo nang malakas! Maglagay kayo ng abo sa inyong ulo, kayong tagapag-alaga ng kawan. Oras na ng pagtungo ninyo sa patayan, at papatayin din kayong gaya ng mga tupa. Walang matatakbuhan ang mga pastol; hindi makakatakas ang mga tagapag-alaga ng kawan. Pakinggan ninyo ang iyakan ng mga pastol, at ang panangisan ng mga tagapag-alaga ng kawan. Sinasalakay na ni Yahweh ang dating matiwasay na pastulan. Ang lahat ng tupa sa kawan ay pinuksa dahil sa matinding poot ni Yahweh. Iniwan niya ang kanyang bayan, gaya ng isang leon na umalis sa kanyang yungib. Naging ilang ang lupain dahil sa digmaan at matinding poot ni Yahweh. Nang pasimula ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim na anak ni Josias, tumanggap si Jeremias ng pahayag mula kay Yahweh: “Tumayo ka sa bulwagan ng templo at sabihin mo sa lahat ng tao mula sa mga lunsod ng Juda na naroon upang sumamba kay Yahweh ang lahat ng iniuutos ko sa iyo. Huwag kang maglilihim ng anuman. Baka sakaling sila'y makinig at tumalikod sa kanilang masamang pamumuhay. Kung magkagayon, baka magbago ang aking isip at hindi ko na itutuloy ang parusang inihahanda ko dahil sa kanilang masasamang gawa. “Sabihin mo sa kanila, ‘Sinasabi ni Yahweh: Kung hindi kayo makikinig sa akin, at kung hindi ninyo susundin ang aking mga utos na inihanda ko para sa inyo, at hindi ninyo papakinggan ang sinasabi ng propetang sinugo ko sa inyo, ang templong ito'y itutulad ko sa Shilo, at gagamitin ng mga bansa ang pangalan ng lunsod na ito sa panlalait.’” Ang pahayag na ito ni Jeremias ay napakinggan ng mga pari, ng mga propeta, at ng lahat ng taong nasa Templo ni Yahweh. Pagkatapos niyang magsalita, si Jeremias ay dinakip nila at nagsigawan ng, “Dapat kang mamatay! Bakit nagpahayag ka sa pangalan ni Yahweh na matutulad sa Shilo ang Templong ito, mawawasak ang lunsod, at walang matitirang sinuman?” At siya'y pinaligiran ng mga tao. Nang mabalitaan ito ng mga pinuno sa Juda, sila'y madaling nagtungo sa Templo mula sa palasyo at naupo sa kanilang mga upuan sa may pagpasok ng Bagong Pintuan ng Templo. Pagkatapos ay sinabi ng mga pari at ng mga propeta sa mga pinuno at sa buong bayan, “Dapat lang na mamatay ang taong ito sapagkat nagpahayag siya laban sa lunsod, gaya ng narinig ninyo.” Sinabi naman ni Jeremias sa mga pinuno at mga taong naroon, “Sinugo ako ni Yahweh upang magpahayag laban sa Templong ito at laban sa lunsod, gaya ng narinig na ninyo. Kaya nga, magbago kayo ng inyong pamumuhay at mga gawain, at sundin ninyo ang utos ni Yahweh na inyong Diyos. Sa gayon, magbabago siya ng isip at hindi na itutuloy ang parusang inilalaan laban sa inyo. Ako ay nasa ilalim ng kapangyarihan ninyo; maaari ninyong gawin ang anumang iniisip ninyong matuwid at makatarungan. Ngunit ito ang inyong tandaan: Kapag ako'y pinatay ninyo, pumatay kayo ng taong walang kasalanan; at ito'y magiging sumpa sa inyo at sa lunsod na ito, pati sa lahat ng naninirahan dito, sapagkat alam ninyong sinugo ako ni Yahweh upang sabihin sa inyo ang mga bagay na ito.” Nang makapagsalita si Jeremias, sinabi ng mga pinuno at lahat ng tao sa mga pari at mga propeta, “Hindi dapat hatulan ng kamatayan ang taong ito sapagkat ipinahayag niya sa atin ang ipinapasabi ni Yahweh.” Tumayo ang ilang matatanda sa lupain at sinabi sa mga taong naroon, “Si Mikas na taga-Moreset ay nagpahayag noong panahon ni Haring Hezekias ng Juda; sinabi niya sa lahat ng naninirahan sa Juda ang pahayag na ito ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: ‘Ang Zion ay bubungkaling tulad ng isang bukirin, magiging isang bunton ng gumuhong bato ang Jerusalem, at ang burol na kinatatayuan ng Templo'y magiging gubat.’ Pinatay ba ni Haring Hezekias at ng lahat ng taga-Juda si Mikas? Hindi! Sa halip, natakot ang hari at nagmakaawa kay Yahweh. Nagbago naman ang isip ni Yahweh at hindi na itinuloy ang parusang ipapataw sa kanila. Ngunit tayo mismo ang naghahatid ng malaking kapahamakan sa ating sarili.” May isa pang lalaking nagpahayag sa pangalan ni Yahweh; siya si Urias, anak ni Semaya na taga-Lunsod ng Jearim. Nagpahayag siya laban sa lunsod na ito at sa lupaing ito, kagaya rin ng sinabi ni Jeremias. Nang ito'y marinig ni Haring Jehoiakim at ng kanyang mga kawal at mga pinuno, binalak ng haring ipapatay siya. Ngunit nang malaman ni Urias ang gagawin sa kanya, tumakas siya patungong Egipto dahil sa malaking takot. Kaya sinugo ni Haring Jehoiakim sa Egipto si Elnatan na anak ni Acbor at ilan pang kasama nito. Kinuha nila sa Egipto si Urias, dinala sa harapan ni Haring Jehoiakim at pinatay sa pamamagitan ng tabak saka inihagis ang kanyang bangkay sa libingan ng mga karaniwang tao. Subalit si Jeremias ay binantayan ni Ahikam, anak ni Safan, kaya hindi siya napatay ng mga tao. Nang pasimula ng paghahari sa Juda ni Zedekias na anak ni Josias, sinabi ni Yahweh kay Jeremias: “Gumawa ka ng pamatok at lubid at ilagay mo sa iyong batok. Pagkatapos, magpadala ka ng mensahe sa mga hari ng Edom, Moab, Ammon, Tiro at Sidon, sa pamamagitan ng kanilang mga sugo na ngayon ay nasa Jerusalem upang makipag-usap kay Haring Zedekias. Sabihin mo sa kanila na ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, sa kanilang mga hari: ‘Ako ang lumikha sa lupa, sa mga tao, at sa mga hayop na naroon, sa pamamagitan ng aking kapangyarihan. Ibinibigay ko ito sa sinumang aking kinalulugdan. Ang lahat ng lupaing ito'y ipinasiya kong ibigay kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia na aking lingkod. Ibinigay ko rin ang mga hayop sa parang upang maglingkod sa kanya. Lahat ng bansa'y maglilingkod sa kanya, sa kanyang mga anak at mga apo, hanggang sa bumagsak ang kanyang kaharian. Pagdating ng panahong iyon, ang kaharian naman niya ang aalipinin ng mga hari at bansang makapangyarihan. “‘Ngunit ang alinmang bansa o kaharian na hindi maglilingkod kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at hindi papailalim sa kanyang pamamahala ay paparusahan ko sa pamamagitan ng digmaan, taggutom at salot, hanggang sa ganap silang mapailalim sa kanyang kapangyarihan. Kaya nga, huwag ninyong papakinggan ang inyong mga propeta, mga manghuhula, mga tumatawag sa espiritu ng mga patay, mga nagpapaliwanag ng mga panaginip, at mga manggagaway kapag pinipigil nila kayo na maglingkod sa hari ng Babilonia. Kasinungalingan ang kanilang sinasabi sa inyo at ito ang magiging dahilan upang mapatapon kayo sa malayong lupain. Kayo'y itataboy ko, at mapapahamak kayong lahat. Subalit kung ang alinmang bansa'y pasakop sa kapangyarihan ng hari ng Babilonia, pananatilihin ko sila sa kanilang bayan; bubungkalin nila ang sariling lupa at doon maninirahan.’” Ganito rin ang sinabi ko kay Haring Zedekias ng Juda: “Pasakop kayo sa kapangyarihan ng hari ng Babilonia, at paglingkuran ninyo siya at ang kanyang bayan upang kayo'y mabuhay. Kung hindi, mamamatay kayo sa digmaan at salot; ito ang parusang inilaan ni Yahweh sa alinmang bansang hindi maglilingkod sa hari ng Babilonia. Huwag kayong maniwala sa mga propetang pumipigil sa inyo na maglingkod sa hari ng Babilonia; kasinungalingan ang kanilang sinasabi sa inyo. Hindi ko sila sinugo; ginagamit lamang nila ang aking pangalan. Kaya, palalayasin ko kayo sa lupaing ito at kayo'y malilipol, pati ang mga propetang nandaya sa inyo.” Sinabi ko naman sa mga pari at sa buong bayan ang ipinapasabi ni Yahweh: “Huwag ninyong papakinggan ang mga propetang nagsasabi sa inyo na ang mga kagamitan sa bahay ni Yahweh ay ibabalik mula sa Babilonia sa madaling panahon. Kasinungalingan ang sinasabi nila sa inyo. Huwag ninyo silang papakinggan; pasakop kayo sa hari ng Babilonia upang kayo'y mabuhay. Bakit kailangang mawasak ang lunsod na ito? Kung sila'y talagang mga propeta, at kung salita nga ni Yahweh ang dala nila, ipakiusap nila kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat na ang mga kayamanang natitira pa sa Templo, sa palasyo ng hari, at sa Jerusalem, ay huwag madala sa Babilonia. Ito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat tungkol sa mga haligi sa Templo, sa lalagyan ng tubig na yari sa tanso at mga patungan nito, at sa iba pang kagamitang natira sa lunsod. Ang mga ito'y hindi kinuha ni Haring Nebucadnezar nang dalhin niyang bihag sa Babilonia si Haring Jeconias na anak ni Jehoiakim ng Juda, pati ang kanyang mga pinunong nasa Juda at Jerusalem. Ganito ang sabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel tungkol sa mga kagamitang naiwan sa Templo, sa palasyo ng hari, at sa lunsod ng Jerusalem: Ang mga ito'y dadalhin sa Babilonia at mananatili roon hanggang sa araw na itinakda ko. Pagkatapos ay muli ko itong ibabalik sa kanya-kanyang lugar.” Nang taon ding iyon, ikalimang buwan ng ikaapat na taon ng paghahari ni Zedekias sa Juda, si Jeremias ay kinausap sa Templo ni Ananias, anak ni Propeta Azur ng Gibeon. Sa harap ng mga pari at ng mga tao, sinabi ni Ananias: “Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Winakasan ko na ang kapangyarihan ng hari ng Babilonia. Sa loob ng dalawang taon ay ibabalik ko sa Templong ito ang lahat ng kagamitan na kinuha ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia. Ibabalik ko rin dito si Jeconias, ang anak ni Haring Jehoiakim ng Juda, at ang lahat ng mga taga-Juda na dinalang-bihag sa Babilonia; aalisin ko na kayo sa ilalim ng kapangyarihan ng hari ng Babilonia.” Nagsalita naman si Propeta Jeremias kay Propeta Hananias sa harap ng mga pari at sa lahat ng mga taong naroon sa patyo ng Templo, “Amen! Ganyan nga sana ang gawin ni Yahweh! Magkatotoo nawa ang ipinahayag mo at maibalik nga sana rito ang lahat ng kagamitan ng Templo mula sa Babilonia at lahat ng mga dinalang-bihag! Ngunit pakinggan ninyo ang sasabihin ko sa inyong lahat. Ang mga propetang nauna sa atin ay nagpahayag na magkakaroon ng digmaan, taggutom at salot sa maraming bansa at sa mga kilalang kaharian. Kung magkatotoo ang pahayag ng isang propeta na magkakaroon ng kapayapaan, saka lamang natin malalamang si Yahweh nga ang nagsugo sa kanya.” Pagkarinig niyon, kinuha ni Propeta Hananias ang pamatok na nasa batok ni Jeremias at binali ito. Pagkatapos, sinabi niya sa lahat ng naroon: “Sinasabi ni Yahweh na ganito ang gagawin niya sa mga pamatok na inilagay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia sa lahat ng bansa, at ito'y gagawin niya sa loob ng dalawang taon.” At umalis na si Propeta Jeremias. Pagkalipas ng kaunting panahon mula nang baliin ni Propeta Hananias ang pamatok ni Propeta Jeremias, kinausap ni Yahweh si Jeremias: “Pumunta ka kay Hananias at sabihin mo: Nabali mo nga ang pamatok na kahoy ngunit papalitan ko ito ng bakal. Lalagyan ko ng pamatok na bakal ang lahat ng bansang ito upang sila'y maglingkod kay Haring Nebucadnezar, at ito'y siguradong magaganap sapagkat maging hayop sa parang ay ipinasakop ko sa kanya.” At sinabi pa ni Propeta Jeremias, “Hananias, hindi ka sinugo ni Yahweh, at pinapaniwala mo ang mga taong ito sa isang kasinungalingan. Kaya ang sabi ni Yahweh: ‘Ikaw ay mawawala sa daigdig na ito. Mamamatay ka sa taon ding ito, sapagkat tinuruan mo ang bayan na maghimagsik laban kay Yahweh!’” At noong ikapitong buwan ng taóng iyon, si Propeta Hananias ay namatay nga. Nagpadala ng sulat si Propeta Jeremias mula sa Jerusalem para sa nalalabing matatandang bihag, mga pari at mga propeta, at lahat ng taong dinalang-bihag ni Nebucadnezar sa Babilonia. Ito'y ginawa niya matapos lisanin ni Haring Jeconias ang Jerusalem, kasama ang kanyang inang reyna, mga eunuko, mga pinuno at mga panday ng palasyo. Ang sulat ay ipinadala ng propeta kina Elasa, anak ni Safan, at Gemarias, anak ni Hilkias, na sinugo ni Haring Zedekias kay Haring Nebucadnezar sa Babilonia. Ganito ang sinasabi sa sulat: “Ito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, sa lahat ng mga taga-Jerusalem na dinalang-bihag sa Babilonia: Magtayo kayo ng mga bahay at diyan na kayo tumira; magtanim kayo at inyong kanin ang bunga niyon. Mag-asawa kayo upang magkaanak; bayaan ninyong mag-asawa ang inyong mga anak, nang sila'y magkaanak din. Magpakarami kayo, at huwag ninyong hayaang kayo'y umunti. Ngunit pagyamanin ninyo ang lunsod na pinagdalhan ko sa inyo. Idalangin ninyo sila kay Yahweh sapagkat kayo rin ang makikinabang kung sila'y umunlad. Huwag kayong magpapalinlang sa inyong mga propeta at mga manghuhula. Huwag kayong basta-bastang maniniwala sa kanilang mga panaginip. Tandaan ninyo: Kasinungalingan ang sinasabi nila sa inyo; sila'y hindi ko sinugo, ang sabi ni Yahweh. “Subalit ito ang aking sinabi: Pagkatapos lamang ng pitumpung taon ng pagkabihag sa Babilonia, muli kong ipadarama ang pag-ibig ko sa inyo. Tutuparin ko ang aking pangakong ibabalik kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyo. Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito'y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-puno ng pag-asa. Kung maganap na ito, kayo'y tatawag, lalapit, at dadalangin sa akin, at diringgin ko naman kayo. Kapag hinanap ninyo ako, ako'y inyong matatagpuan; kung buong puso ninyo akong hahanapin. Oo, ako'y matatagpuan ninyo, sabi ni Yahweh, at ibabalik ko ang inyong mga kayamanan. Titipunin ko kayo mula sa lahat ng bansa at pook na pinagdalhan ko sa inyo, at ibabalik sa dakong pinagmulan ninyo bago kayo nabihag. “Sinasabi ninyong si Yahweh ay humirang ng mga propeta para sa inyo diyan sa Babilonia. Ganito naman ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa haring nakaupo sa trono ni David at sa lahat ng inyong kababayang nakatira sa lunsod na ito at sa hindi nabihag na mga kasama ninyo: Padadalhan ko sila ng digmaan, taggutom, at salot, at matutulad sila sa mga igos na bulok kaya't hindi na makakain. Sila'y mamamatay sa labanan, sa gutom at salot. Masisindak ang lahat ng bansa sa kanilang sasapitin. Sila'y hahamakin at susumpain ng lahat ng bansang pinagtapunan ko sa kanila. Kung paanong hindi nila pinakinggan ang mga propetang sinugo ko sa kanila, gayon din kayo. Ngunit kayong mga taga-Jerusalem na dinalang-bihag sa Babilonia, makinig kayo sa ipinapasabi ni Yahweh: Paparusahan ni Yahweh si Ahab na anak ni Kolaias, at si Zedekias, na anak naman ni Maasias, sapagkat ginamit nila sa kasinungalingan ang aking pangalan. Sila'y ibibigay ko kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at papatayin sa inyong harapan. Ang kanilang pangala'y babanggitin ng lahat ng taga-Juda na dinalang-bihag sa Babilonia, kapag sinusumpa nila ang kanilang kapwa; sasabihin nila, ‘Gawin sana sa inyo ni Yahweh ang ginawa kina Zedekias at Ahab, na sinunog nang buháy ng hari ng Babilonia!’ Ganito ang mangyayari sa kanila sapagkat kasuklam-suklam ang kanilang ginawa sa Israel. Sila'y nangalunya at ginamit pa ang aking pangalan sa kasinungalingan. Nalalaman ko ito at nasaksihan.” Sabihin mo kay Semaias na taga-Nehelam, ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Sinulatan mo ang mga taga-Jerusalem, ang paring si Zefanias na anak ni Maasias, at ang lahat ng mga pari. Sinabi mong si Zefanias ang hinirang ni Yahweh bilang kapalit ng paring si Joiada. At bilang namamahala sa Templo, tungkulin niyang lagyan ng posas at tanikala sa leeg ang bawat nababaliw na lalaking nagpapahayag sa mga tao bilang propeta. Bakit hindi mo pinigil si Jeremias ng Anatot na nagpapahayag sa inyo bilang propeta? Sa mga bihag sa Babilonia'y sinabi niya: ‘Magtatagal kayo rito kaya magtayo kayo ng mga bahay na matitirhan at magtanim kayo para may makain.’” Binasa ng paring si Zefanias ang sulat na ito nang naririnig ni Propeta Jeremias. At tinanggap ni Jeremias ang salita ni Yahweh: “Sabihin mo sa lahat ng mga dinalang-bihag sa Babilonia na ganito ang sabi ni Yahweh tungkol kay Semaias na taga-Nehelam: Nagpahayag si Semaias gayong hindi ko naman siya sinugo, at pinapaniwala kayo sa isang kasinungalingan. Dahil dito, siya'y paparusahan ko at ang kanyang mga salinlahi. Hindi na niya masasaksihan ang kasaganaang ipagkakaloob ko sa aking bayan, sapagkat nagpapahayag siya ng paghihimagsik laban sa akin.” Kinausap ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, si Jeremias, at sinabi: “Isulat mo sa isang aklat ang lahat ng sinabi ko sa iyo. Sapagkat darating na ang panahon na palalayain ko ang aking bayan, ang Israel at ang Juda, at ibabalik ko sila sa lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno; ito'y magiging kanila muli.” Ito ang mga sinabi ni Yahweh tungkol sa Israel at sa Juda: “Narinig ko ang sigaw ng isang takot na takot, ng isang nasindak at walang kapayapaan. Isipin mong mabuti: Maaari bang manganak ang isang lalaki? Bakit hawak-hawak ng bawat lalaki ang kanyang tiyan, tulad ng isang babaing manganganak? Bakit namumutla ang kanilang mga mukha? Nakakatakot ang araw na iyon. Wala itong katulad; ito'y panahon ng paghihirap para kay Jacob, ngunit siya'y makakaligtas. “Sa araw na iyon, sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, babaliin ko ang pamatok sa kanilang mga leeg at kakalagin ko ang kanilang tali; hindi na sila aalipinin ng mga dayuhan. Sa halip, sila'y maglilingkod kay Yahweh na kanilang Diyos, at kay David na kanilang magiging hari. “Ngunit huwag kang matakot, lingkod kong Jacob; at huwag kang manlupaypay, Israel. Ililigtas ko kayo, kahit saan kayo naroon; kahit nasa lupain ng pagkabihag ang inyong mga anak. Manunumbalik ang payapang pamumuhay ni Jacob, at siya'y sasagana at wala nang katatakutan. Ako'y sasainyo at ililigtas ko kayo. Lilipulin ko ang lahat ng bansang pinagkalatan ko sa inyo; subalit kayo'y hindi malilipol. Paparusahan ko kayo nang marapat, ngunit ako'y magiging makatarungan sa inyo.” Ito ang sabi ni Yahweh sa kanyang bayan: “Wala nang lunas ang iyong sakit, malalâ na ang iyong sugat. Walang mag-aalaga sa iyo, walang kagamutan sa iyong sugat; wala ka nang pag-asang gumaling pa. Nilimot ka na ng lahat mong mangingibig; wala na silang malasakit sa iyo. Sinaktan kita, gaya ng isang kaaway, buong lupit kitang pinarusahan; sapagkat matindi ang iyong kasamaan at napakarami mong kasalanan. Huwag ka nang umiyak dahil sa iyong sakit; wala nang lunas ang sugat mo. Ginawa ko ito sa iyo sapagkat matindi ang iyong kasamaan at napakarami mong kasalanan. Gayunman, lahat ng umapi sa iyo ay aapihin; lahat ng iyong kaaway ay bibihagin din. Nanakawan ang nagnakaw ng kayamanan mo. Ang bumiktima sa iyo ay bibiktimahin din. Ibabalik ko ang kalusugan mo, at pagagalingin ang iyong mga sugat. Kayo'y tinawag nilang mga itinakwil, ang Zion na walang nagmamalasakit.” Sinabi pa ni Yahweh: “Muli kong ibabalik ang kasaganaan sa lipi ni Jacob. Kahahabagan ko ang buong sambahayan niya. Ang lunsod na winasak ay muling itatayo, at muling itatayo ang bawat gusali. Ang mga tao roon ay aawit ng pasasalamat at magkakaingay sa kagalakan. Sila'y aking pararamihin; pararangalan ko sila at wala nang hahamak sa kanila. Ibabalik ko ang kanilang dating kapangyarihan, at sila'y magiging matatag sa aking harapan. Paparusahan ko ang lahat ng mang-aapi sa kanila. Lilitaw ang isang pinuno na mula rin sa kanila. Aanyayahan ko siya kaya siya nama'y lalapit sa akin, sapagkat walang mangangahas na lumapit sa akin kung hindi inanyayahan. Sila'y magiging bayan ko, at ako ang kanilang magiging Diyos.” Ito ang sabi ni Yahweh. Ang poot ni Yahweh ay parang bagyo, parang nag-aalimpuyong hangin na hahampas sa ulo ng masasama. Hindi magbabago ang matinding poot ni Yahweh hangga't hindi niya naisasagawa ang kanyang balak. Mauunawaan ninyo ito sa mga araw na darating. “Sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh, “ako'y magiging Diyos ng buong Israel at magiging bayan ko sila.” Ang sabi pa ni Yahweh, “Ang mga taong nakaligtas sa digmaan ay nakatagpo naman ng awa sa ilang. Nang ang Israel ay naghahanap ng kapahingahan, napakita ako sa kanila mula sa malayo; sa simula pa'y inibig ko na sila kaya patuloy akong magiging tapat sa kanila. Muli kitang itatayo, marilag na Israel. Hahawakan mong muli ang iyong mga tamburin, at makikisayaw sa mga nagkakasayahan. Muli kang magtatanim ng ubas sa mga burol ng Samaria; magtatanim ang mga magsasaka, at masisiyahan sa ibubunga niyon. Sapagkat darating ang araw na hihiyaw ang mga bantay mula sa kaburulan ng Efraim, ‘Halikayo, umakyat tayo sa Zion, kay Yahweh na ating Diyos.’” Ang sabi ni Yahweh: “Umawit kayo sa kagalakan alang-alang kay Jacob, ipagbunyi ninyo ang pinakadakilang bansa; magpuri kayo at inyong ipahayag na iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan, ang mga nalabi sa Israel. Narito, sila'y ibabalik ko mula sa hilaga; titipunin ko sila mula sa mga sulok ng sanlibutan, kasama ang mga bulag at mga pilay, ang mga inang may anak na pasusuhin, pati ang malapit nang manganak; sila'y babalik na talagang napakarami! Uuwi silang nag-iiyakan habang daan, nananalangin samantalang inaakay ko pabalik. Dadalhin ko sila sa mga bukal ng tubig, pararaanin sa patag na landas upang hindi sila madapa. Sapagkat ang Israel ay aking anak, at si Efraim ang aking panganay.” “Mga bansa, pakinggan ninyo ang sabi ni Yahweh, at ipahayag ninyo sa malalayong lupain: ‘Pinapangalat ko ang mga anak ni Israel, ngunit sila'y muli kong titipunin at aalagaan, gaya ng pagbabantay ng isang pastol sa kanyang mga tupa.’ Sapagkat tinubos ni Yahweh si Jacob, at pinalaya sa kapangyarihan ng kaaway na higit na malakas sa kanya. Aakyat silang nagsisigawan sa tuwa patungo sa Bundok ng Zion, puspos ng kaligayahan dahil sa mga pagpapala ni Yahweh: saganang trigo, bagong alak at langis, at maraming bakahan at kawan ng tupa. Matutulad sila sa isang halamanang dinidilig, hindi na sila muling magkukulang. Kung magkagayon, sasayaw sa katuwaan ang mga dalaga, makikigalak pati mga binata't matatanda; ang kanilang dalamhati ay magiging tuwa, aaliwin ko sila at papalitan ng kagalakan ang kanilang kalungkutan. Bubusugin ko ng pinakamainam na pagkain ang mga pari, at masisiyahan ang buong bayan sa kasaganaang aking ibibigay.” Ito ang sabi ni Yahweh. Sinabi ni Yahweh: “Narinig sa Rama ang isang tinig— panaghoy at mapait na pagtangis tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak. Ayaw niyang paaliw sapagkat patay na sila.” Sinasabi ni Yahweh: “Itigil na ninyo ang inyong pag-iyak, huwag na kayong lumuha; sapagkat gagantimpalaan ang inyong mga ginawa, babalik sila mula sa lupain ng kaaway. May pag-asa sa hinaharap, sabi ni Yahweh, magbabalik sa sariling bayan ang inyong mga anak. “Narinig kong nananaghoy ang mga taga-Efraim: ‘Pinarusahan ninyo kami na parang mga guyang hindi pa natuturuan. Ibalik ninyo kami nang kami'y gumaling, sapagkat kayo si Yahweh na aming Diyos. Tumalikod kami sa inyo ngunit ngayo'y nagsisisi na; natuto kami matapos ninyong parusahan. Napahiya kami't nalungkot dahil nagkasala kami sa panahon ng aming kabataan.’ “Si Efraim ang aking anak na minamahal, ang anak na aking kinalulugdan. Kung gaano kadalas ko siyang pinaparusahan, gayon ko siya naaalaala. Kaya hinahanap ko siya, at ako'y nahahabag sa kanya.” Ito ang sabi ni Yahweh. “Maglagay ka ng mga batong pananda sa iyong landas; hanapin mo ang daang iyong nilakaran. Magbalik ka, Israel, sa mga lunsod na dati mong tinirhan. Anak ko, hanggang kailan ka pa mag-aalinlangan? Ako, si Yahweh, ay nagtatag ng isang bagong kaayusan: ang babae ang siyang magtatanggol sa lalaki.” Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Muling sasabihin ang mga salitang ito sa lupain ng Juda at sa kanyang mga lunsod, kapag ibinalik ko na sila sa kanilang tahanan: ‘Pagpapalain ni Yahweh ang bundok na banal ng Jerusalem, na kanyang tinatahanan.’ Ang mga nagsasaka at mga pastol ay muling magkakasamang maninirahan sa Juda. Bibigyan ko ng inumin ang nauuhaw, at bubusugin ang nanlulupaypay dahil sa matinding gutom. At masasabi ng sinumang tao: ‘Ako'y natulog at nagising na maginhawa.’” Sabi ni Yahweh, “Darating ang panahon na pararamihin ko ang mga tao at mga hayop sa Israel at sa Juda. Kung paano ako naging maingat nang sila'y aking ibagsak, bunutin, sirain, saktan, at lipulin, buong ingat ko rin silang itatanim at itatatag. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. Pagdating ng panahong iyon, hindi na nila sasabihin, ‘Mga magulang ang kumain ng ubas na maasim, ngunit mga anak ang nangingilo ang mga ngipin.’ Sa halip, kung sino ang kumain ng maasim na ubas ang siyang mangingilo; mamamatay ang isang tao dahil sa kanyang kasalanan.” Sinasabi ni Yahweh, “Darating ang panahon na gagawa ako ng bagong tipan sa Israel at sa Juda. Ito'y hindi tulad ng kasunduang ginawa ko sa kanilang mga ninuno, nang ilabas ko sila sa Egipto. Bagama't para akong isang asawa sa kanila, sinira nila ang kasunduang ito. Ganito ang gagawin kong kasunduan sa bayan ng Israel pagdating ng panahon: Itatanim ko sa kanilang kalooban ang aking kautusan; isusulat ko ito sa kanilang mga puso. Ako ang kanilang magiging Diyos at sila ang aking magiging bayan. Hindi na nila kailangang turuan ang isa't isa at sabihing, ‘Kilalanin mo si Yahweh’; sapagkat ako'y makikilala nilang lahat, mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila, sapagkat patatawarin ko sila sa kanilang kasalanan at kalilimutan ko na ang kanilang kasamaan.” Si Yahweh ang naglagay ng araw upang lumiwanag sa maghapon, at ng buwan at mga bituin upang tumanglaw sa magdamag; siya ang nagpapagalaw sa dagat kaya umuugong ang mga alon; ang pangalan niya'y Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat! “Habang ang kaayusang ito'y nananatili, hindi mawawala kailanman ang bansang Israel,” ito ang sabi ni Yahweh. “Kung masusukat ang kalangitan o maaarok ang kalaliman ng lupa, maaari kong itakwil ang buong Israel dahil sa lahat ng kanilang ginawa.” Ito'y nagmula sa bibig ni Yahweh. “Darating ang panahon na muling itatatag ang lunsod ng Jerusalem para sa karangalan ni Yahweh, mula sa Tore ng Hananel hanggang sa Panulukang Pinto. Ang hangganan nito'y lalampas sa burol ng Gareb saka liliko sa Goa. Ang buong libis na pinagtatapunan ng mga bangkay at abo, gayon din ang lahat ng bukirin sa itaas ng batis ng Kidron hanggang sa Pintuang Labasan ng mga Kabayo sa gawing silangan, ay itatalaga sa akin. Hindi na mawawasak o masasakop ninuman ang lunsod na ito.” Nagpahayag si Yahweh kay Jeremias noong ika-10 taon ng paghahari sa Juda ni Zedekias, at ika-18 taon naman ni Nebucadnezar ng Babilonia. Nang panahong iyon, na sinasalakay ng hukbo ng hari ng Babilonia ang Jerusalem, si Propeta Jeremias nama'y mahigpit na binabantayan sa bilangguan ng palasyo. Ipinabilanggo siya ni Haring Zedekias dahil sa kanyang patuloy na pagpapahayag at pagsasabing, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Ipapasakop ko ang lunsod na ito sa hari ng Babilonia. Si Haring Zedekias ay hindi makakaligtas sa mga taga-Babilonia, at ihaharap siya sa hari nito. Makakausap niya ito at makikita nang harap-harapan. Dadalhin siyang bihag sa Babilonia at mananatili roon hanggang sa muli ko siyang maalala. Kahit anong pakikipaglaban ang gawin ninyo, hindi kayo magtatagumpay laban sa kanila.” Sinabi pa ni Jeremias, “Ito ang pahayag sa akin ni Yahweh: Si Hanamel na anak ng iyong amaing si Sallum ay lalapit sa iyo upang ipagbili ang kanyang bukirin sa Anatot sapagkat ikaw ang malapit niyang kamag-anak at may karapatang bumili niyon.” Gaya nga ng sinabi ni Yahweh, si Hanamel ay pumunta sa akin at sinabi: “Bilhin mo na ang bukid ko sa Anatot, sa lupain ng Benjamin. Ikaw ang may karapatang bumili niyon bilang pinakamalapit kong kamag-anak.” Naalala ko ang sinabi ni Yahweh, kaya binili ko ang bukid ng pinsan kong si Hanamel, sa halagang labimpitong pirasong pilak. Nilagdaan ko ang kasulatan ng pagkabili at tinatakan; tumawag siya ng mga saksi, at tinimbang sa harapan nila ang salaping kabayaran. Pagkatapos, kinuha ko ang kasulatan ng pagkabili, na tinatakan, at isang kopyang nakabukas, at aking ibinigay kay Baruc na anak ni Nerias at apo ni Maaseias. Ito'y nasaksihan ni Hanamel, ng mga saksing lumagda sa kasulatan ng pagkabili, at ng mga Judiong nasa himpilan ng mga bantay. Sa harapan nilang lahat, tinagubilinan ni Jeremias si Baruc ng ganito: “Ito ang utos ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Kunin mo ang mga kasulatang ito—ang tinatakan at ang nakabukas—at ilagay mo sa isang tapayan para hindi masira agad. Sapagkat ganito ang sabi ni Yahweh: Darating ang panahon na muling bibilhin ang mga bahay, bukirin, at ubasan sa lupaing ito.” Nang maibigay na kay Baruc ang kasulatan ng pagkakabili, si Jeremias ay nanalangin: “Panginoong Yahweh, nilikha mo ang langit at ang lupa sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan. Walang bagay na mahirap para sa iyo. Nagpamalas ka ng kagandahang-loob sa libu-libo ngunit pinaparusahan mo ang mga anak dahil sa kasalanan ng mga magulang. O dakila at makapangyarihang Diyos na ang pangala'y Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, dakila ang iyong mga panukala at kahanga-hanga ang iyong mga gawa. Nakikita mo ang ginagawa ng lahat ng tao, at ginagantihan ang bawat isa ayon sa kanyang pamumuhay at gawa. Gumawa ka ng mga tanda at kababalaghan sa Egipto, at hanggang ngayo'y patuloy kang gumagawa ng mga kababalaghan sa Israel at sa ibang mga bansa, kaya kilala na ngayon ang iyong pangalan sa lahat ng dako. Inilabas mo sa Egipto ang iyong bayang Israel, kasabay ng mga tanda at kababalaghan; ikaw ang umakay sa kanila, sa pamamagitan ng iyong lakas at taglay na kapangyarihan. Ibinigay mo sa kanila ang lupaing ito na mayaman at sagana sa lahat ng bagay, gaya ng ipinangako mo sa kanilang mga ninuno; pinasok nila ito at sinakop. Ngunit hindi nila sinunod ang iyong utos o namuhay man ayon sa iyong kautusan. Hindi nila tinupad ang alinman sa mga utos, kaya nga ipinadala mo sa kanila ang lahat ng kapahamakang gaya nito. Sasalakay na ang mga taga-Babilonia; marami ang masasawi sa labanan, sa gutom, at sa salot. Ang lunsod ay mahuhulog sa kamay ng kaaway. Matutupad na ang lahat ng iyong sinabi. Ngunit ikaw ang nag-utos sa akin, Panginoong Yahweh, na bilhin ko sa harapan ng mga saksi ang bukirin, bagaman ang lunsod na ito ay naibigay na sa mga taga-Babilonia.” At sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Ako si Yahweh, ang Diyos ng lahat ng tao; walang bagay na mahirap para sa akin. Kaya nga, tandaan mo ang sinasabi ko: Ibibigay ko sa mga sundalo ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ang lunsod na ito. Ito'y papasukin ng hukbo niya at susunugin; kasamang matutupok ang mga bahay ng mga taong kinapopootan ko. Sapagkat ang mga bubungan nila'y ginamit na sunugan ng insenso para kay Baal, at dito rin ibinubuhos ang mga alak na handog sa ibang diyos. “Buhat pa sa pasimula, wala nang ginawa ang Israel at ang Juda kundi puro kasamaan, kaya nagagalit ako sa kanilang ginagawa,” ang sabi ni Yahweh. “Mula nang itayo ang lunsod na ito, lagi na lamang nila akong ginagalit, kaya wawasakin ko na ito. Suklam na suklam na ako sa likong gawain ng mga taga-Israel at Juda, ng kanilang mga hari, mga pinuno, mga pari, mga propeta, at lahat ng naninirahan dito. Ako'y tinalikuran nila; bagama't patuloy ko silang tinuruan, ayaw nilang makinig o tumanggap man ng payo. Inilagay pa nila ang kanilang mga kasuklam-suklam na diyus-diyosan sa aking Templo, at sa gayo'y dinumihan ito. Gumawa pa sila ng mga altar para kay Baal sa Libis ng Ben Hinom, at doon sinusunog bilang handog kay Molec ang kanilang mga anak. Hindi ko ito iniutos o inisip man lamang na ipagawa sa kanila upang magkasala ang Juda.” Kaya nga, sinabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, kay Jeremias, “Ipahayag mo na ang lunsod na ito'y ibibigay sa kamay ng hari ng Babilonia, sa pamamagitan ng digmaan, gutom at salot. Ngunit ngayon, titipunin ko sila mula sa lahat ng lupaing pinagtapunan ko sa kanila nang ako'y magalit. Ibabalik ko sila sa lupaing ito, at ligtas na maninirahan dito. At sila'y magiging aking bayan at ako ang magiging kanilang Diyos. Magkakaisa sila ng puso at layunin sa pagsunod sa akin para sa kanilang kabutihan at ng kanilang mga anak. Makikipagtipan ako sa kanila ng isang walang hanggang tipan; pagpapalain ko sila habang panahon at tuturuang sumunod sa akin nang buong puso upang hindi na sila tumalikod pa sa akin. Ikagagalak ko ang gawan sila ng kabutihan. Ipinapangako kong patatatagin ko sila sa lupaing ito, at gagawin ko ito nang buong puso't kaluluwa.” Sabi ni Yahweh, “Kung paanong pinadalhan ko ng kapahamakan ang bayang ito; gayon ko ipagkakaloob ang kasaganaang aking ipinangako. Muling magbebentahan ng mga bukirin sa lupaing ito na ngayo'y wala nang naninirahan kahit tao o hayop, at nasa kamay ng mga taga-Babilonia. At sa pagbibilihang muli ng mga bukirin, lalagdaan at tatatakan ang mga kasulatan ng pagkabili, sa harapan ng mga saksi. Ito'y magaganap sa Benjamin, sa paligid ng Jerusalem, sa mga lunsod ng Juda, sa kaburulan, sa Sefela, at sa mga lunsod sa timog ng Juda; sapagkat ibabalik ko ang kanilang kayamanan.” Muling nagpahayag si Yahweh kay Jeremias samantalang ito'y nakabilanggo at mahigpit na binabantayan. Ganito ang sabi sa kanya: “Ako ang lumikha, humugis at nag-ayos ng buong daigdig. Yahweh ang aking pangalan. Kung mananalangin ka sa akin, tutugunin kita, at ipahahayag ko sa iyo ang mga bagay na dakila at mahiwaga na hindi mo pa nalalaman. Ako, si Yahweh, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi nito sa iyo. Gigibain ko ang mga bahay sa lunsod ng Jerusalem at ang palasyo ng hari sa Juda upang gamiting tanggulan laban sa sumasalakay na mga hukbo ng Babilonia. Papasukin kayo ng mga kaaway, at marami ang mamamatay sa labanan sapagkat pupuksain ko sila sa tindi ng aking poot. Itinakwil ko ang lunsod na ito dahil sa kanilang kasamaan. Ngunit pagagalingin ko silang muli. Hahanguin ko sa kahirapan ang Juda at Israel, at bibigyan sila ng kapayapaan at kasaganaan. Ibabalik ko ang kanilang mga kayamanan at muli silang itatatag. Lilinisin ko sila sa lahat nilang kasalanan at patatawarin sa kanilang paghihimagsik laban sa akin. At dahil sa lunsod na ito'y matatanyag ang aking pangalan, pupurihin at dadakilain ng lahat ng bansa, kapag nabalitaan nila ang lahat ng pagpapalang ipinagkaloob ko sa kanila. Maaantig sila at mapupuno ng paghanga dahil sa mga pagpapala't kapayapaang ibinigay ko sa aking bayan.” Ito pa ang sabi ni Yahweh: “Sinasabi ninyo na ang lugar na ito'y parang disyerto; walang nakatirang tao o hayop. Wala ngang naninirahan sa mga lunsod ng Juda at walang tao sa mga lansangan ng Jerusalem. Ngunit darating ang panahon na muling maririnig sa lugar na ito ang katuwaan at kasayahan, ang tinig ng mga ikinakasal habang sila'y nasa bahay ni Yahweh upang maghandog ng pagpupuri at pasasalamat; maririnig ang sigawang, ‘Purihin si Yahweh, na Makapangyarihan sa lahat, dahil sa kanyang kabutihan, pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman!’ At ibabalik ko ang kayamanan ng bayan. Ako, si Yahweh, ang maysabi nito.” Ito ang sabi ni Yahweh: “Sa buong lupaing ito na walang pakinabang at walang nakatirang tao o hayop, muling magbabalik ang mga pastol at payapang magsisikain ang kanilang mga kawan. Sa mga lunsod sa kaburulan, sa kapatagan, sa timog, sa lupain ng Benjamin, sa palibot ng Jerusalem at ng Juda, muling magkakaroon ng maraming kawan na inaalagaan ng kanilang mga pastol.” Sinabi ni Yahweh, “Tiyak na darating ang araw na tutuparin ko ang aking pangako sa Israel at sa Juda. At sa panahong iyon, pipili ako ng isang matuwid na Sanga na magmumula sa lahi ni David. Paiiralin niya ang katarungan at ang katuwiran sa buong lupain. Sa mga araw ring iyon, maliligtas ang mga taga-Juda at mapayapang mamumuhay ang mga taga-Jerusalem. At sila'y tatawagin sa pangalang ito: ‘Si Yahweh ang ating katuwiran.’ Si David ay hindi mawawalan ng kahalili sa trono ng bayang Israel. At mula sa lahi ni Levi, hindi kukulangin ng pari na mag-aalay sa akin ng mga handog na susunugin, handog na pagkaing butil, at iba pang mga handog sa lahat ng panahon.” Sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Kung paanong hindi mababago ang batas na itinakda ko para sa araw at sa gabi, gayon din naman, hindi masisira ang aking pangako sa lingkod kong si David at sa mga Levita. Hindi mawawalan ng uupo sa trono mula sa kanyang lipi; hindi rin mauubos ang mga pari sa lahi ni Levi. Gaya ng hindi mabilang na bituin sa kalangitan at buhangin sa dagat, gayon ko pararamihin ang mga inapo ng aking lingkod na si David at ng mga Levitang naglilingkod sa akin.” Ganito ang sinabi ni Yahweh kay Jeremias: “Hindi mo ba napapansin na sinasabi ng mga tao, itinakwil ko raw ang dalawang angkang hinirang ko? Kaya hahamakin nila ang aking bayan at hindi na ituturing na isang bansa. Ngunit sinasabi ko naman: Kung paanong itinakda ko ang araw at gabi at ang tiyak na kaayusan sa langit at sa lupa, mananatili rin ang aking pangako sa lahi ni Jacob at sa lingkod kong si David. Magmumula sa angkan ni David ang hihirangin kong maghahari sa lahi nina Abraham, Isaac at Jacob. Ibabalik ko ang kanilang kayamanan at sila'y aking kahahabagan.” Ito ang pahayag ni Yahweh kay Jeremias nang ang Jerusalem at mga karatig-bayan ay sinasalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia at ng kanyang hukbo, katulong ang lahat ng kaharian at bansang sakop nito. “Pumunta ka at sabihin mo kay Haring Zedekias ng Juda ang ganito: Ang lunsod na ito'y ibibigay ko sa hari ng Babilonia at kanyang susunugin. Hindi ka makakaligtas; mahuhulog kang tiyak sa kamay niya. Makikita mo't makakausap nang harap-harapan ang hari ng Babilonia at dadalhin kang bihag sa bansang iyon. Ngunit pakinggan mo ang sabi sa iyo ni Yahweh, Haring Zedekias: Hindi ka mamamatay sa digmaan; mapayapa kang papanaw, at magsusunog sila ng insenso sa iyong libing, gaya ng ginawa nila sa libing ng iyong mga ninunong hari. Ipagluluksa ka at tatangisan ng ganito, ‘Patay na ang aming hari!’ Ako, si Yahweh, ang nagsabi nito.” Inulit namang lahat ni Jeremias ang pahayag na ito sa harapan ni Haring Zedekias ng Juda, nang panahong ang hukbo ng Babilonia ay sumasalakay na sa Jerusalem, sa Laquis at Azeka, ang nalalabing mga lunsod sa Juda. Ito na lamang ang natirang lunsod sa Juda na may mga kuta. Dumating kay Jeremias ang salita ni Yahweh matapos pagkasunduan ni Haring Zedekias at ng mga taga-Jerusalem na palayain ang mga alipin. Lahat ng may aliping Hebreo, maging babae o lalaki, ay magpapalaya sa mga ito; upang hindi manatiling alipin ang kapwa nila Judio. Sumunod naman ang lahat ng pinuno at mga taong may mga alipin sa bahay. Pinalaya nila ang mga ito at hindi na muling aalipinin. Subalit pagkalipas ng ilang panahon, nagbago ang kanilang isip at pilit nilang inaliping muli ang mga aliping pinalaya nila. Sinabi ni Yahweh kay Jeremias: “Nagkasundo kami ng inyong mga ninuno nang araw na sila'y palabasin ko sa Egipto, sa lupain ng kanilang pagkaalipin. Ganito ang aming kasunduan: Pagkalipas ng anim na taon ng paglilingkod, palalayain nila sa ikapitong taon ang sinumang Hebreo na binili nilang alipin. Ngunit hindi nila ako sinunod. Kayo nama'y nagsisi at ginawa ninyo ang matuwid na pasyang palalayain ang inyong mga aliping Hebreo. Pinagtibay ninyo ito sa aking harapan, sa Templong itinayo ninyo para sa aking karangalan. Ngunit nagtaksil din kayo at nilapastangan ninyo ang aking pangalan, nang muli ninyong alipinin ang mga lalaki't babaing inyong pinalaya. Kaya nga, sinasabi ni Yahweh: Hindi ninyo ako sinunod matapos ninyong ipahayag na palalayain ang inyong mga kalahi. Kaya naman, bibigyan ko kayo ng kalayaan, ang kalayaang mamatay sa digmaan, sa salot at sa gutom. Lahat ng bansa ay masisindak sa aking gagawin sa inyo. Nilabag ninyo ang ating kasunduan at hindi ninyo tinupad ang tuntuning sinang-ayunan ninyong gawin. Gagawin ko sa inyo ang ginawa ninyo sa guya na inyong pinatay, hinati, at dinaanan sa pagitan. Ang mga pinuno ng Juda at Jerusalem, mga eunuko, mga pari, at lahat ng dumaan sa guyang hinati ay ibibigay ko sa kaaway. Mamamatay sila at ang bangkay nila'y kakanin ng mga ibon at mababangis na hayop! Ibibigay ko si Haring Zedekias ng Juda at ang kanyang mga pinuno sa mga kaaway na tumutugis sa kanila, at sa hukbo ng hari ng Babilonia na tumigil na sa pagsalakay. Ako ang mag-uutos sa kanila, at muli nilang sasalakayin ang lunsod na ito. Masasakop nila ito at susunugin; gagawin kong tulad sa disyerto ang mga lunsod ng Juda, at wala nang maninirahan doon.” Nang si Jehoiakim na anak ni Josias ang hari sa Juda, sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Puntahan mo at kausapin ang mga Recabita. Pagkatapos ay dalhin mo sila sa isa sa mga silid sa Templo at bigyan ng alak.” Sumunod naman si Jeremias; pinuntahan niya si Jaazanias, anak ng isa ring nagngangalang Jeremias na anak naman ni Habasinias, pati ang mga kapatid nito at ang buong angkan ng mga Recabita. Sila'y dinala niya sa Templo at pinapasok sa silid ng mga anak ni Hanan, anak ni Igdalias na lingkod ng Diyos. Ang silid na ito'y karatig ng silid ng mga pinuno, at nasa itaas naman ang silid ni Maaseias na anak ni Sallum, isang mataas na pinuno sa Templo. Naglabas si Jeremias ng mga lalagyang puno ng alak at ng mga kopa, at sinabi sa mga Recabita, “Uminom kayo.” Subalit sinabi nila, “Hindi kami umiinom ng alak sapagkat iniutos sa amin ni Jonadab, anak ng aming ninunong si Recab, na huwag kaming iinom ng alak, maging ang aming mga anak. Iniutos din niya na huwag kaming magtatayo ng mga bahay, magbubungkal ng bukirin, at magtatanim ng mga ubasan o bibili ng mga ito. Sinabihan niya kaming manirahan habang buhay sa mga tolda, upang patuloy kaming manirahan sa lupain na pinananahanan namin bilang mga dayuhan. Sinusunod namin ang lahat ng bilin ng aming ninunong si Jonadab. Kahit kailan ay hindi kami uminom ng alak, maging ang aming mga asawa't mga anak. Hindi kami nagtatayo ng bahay, wala kaming mga ubasan, bukirin, o triguhan; sa mga tolda kami nakatira. Sinusunod namin ang lahat ng utos sa amin ni Jonadab. Ngunit nang sakupin ni Haring Nebucadnezar ang bayang ito, nagpasya kaming pumunta sa Jerusalem upang makaiwas sa mga hukbo ng Babilonia at Siria. Kaya naninirahan kami ngayon sa Jerusalem.” Pagkatapos, sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Sabihin mo sa mga taga-Juda at mga taga-Jerusalem: Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Bakit ayaw ninyong makinig sa akin at sumunod sa mga utos ko? Tingnan ninyo ang mga anak ni Jonadab. Hindi sila umiinom ng alak hanggang sa araw na ito, sapagkat gayon ang minsa'y iniutos ng kanilang ninuno. Ngunit ako'y laging nagsasalita sa inyo, hindi naman kayo sumusunod. Lagi akong nagsusugo ng aking mga lingkod na propeta upang sabihin sa inyong talikuran na ninyo ang inyong masamang pamumuhay at gawin ang nararapat. Binabalaan nila kayo na huwag sasamba at maglilingkod sa ibang diyos, upang patuloy kayong manirahan sa lupaing ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo. Ngunit ayaw ninyong makinig sa akin; ayaw ninyo akong pansinin. Ang mga salinlahi ni Jonadab ay sumusunod sa utos ng kanilang mga ninuno, subalit kayo ay hindi sumusunod sa akin. Kaya naman, ipadadala ko na ang mga sakunang aking ibinabala. Gagawin ko ito sapagkat ayaw ninyong makinig sa akin, at ayaw ninyong pansinin ang aking pagtawag. Ako si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel ang maysabi nito.” At sinabi ni Jeremias sa angkan ng mga Recabita, “Ganito ang ipinapasabi sa inyo ni Yahweh: Naging masunurin kayo sa utos ng inyong ninunong si Jonadab. Sinunod ninyo ang lahat ng kanyang batas, at tinupad ninyo ang lahat ng iniutos niya sa inyo. Kaya naman, akong si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel ay nangangako: Ang lahi ni Jonadab na anak ni Recab ay hindi mawawalan ng isang lalaking mamumuno at maglilingkod sa akin.” Noong ika-4 na taon ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim, anak ni Josias, sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Kumuha ka ng isang sulatang balumbon at isulat mo ang lahat ng sinabi ko sa iyo laban sa Juda, sa Israel, at sa lahat ng bansa. Isulat mo ang lahat ng sinabi ko sa inyo mula nang una kitang kausapin, sa panahon ni Haring Josias, hanggang sa kasalukuyan. Marahil, kung maririnig ng taga-Juda ang lahat ng kapahamakang binabalak kong iparanas sa kanila, tatalikuran nila ang kanilang masamang pamumuhay. At patatawarin ko naman sila sa kanilang kasamaan at mga kasalanan.” Kaya tinawag ni Jeremias si Baruc, anak ni Nerias. Isinalaysay niya rito ang lahat ng sinabi sa kanya ni Yahweh, at isinulat namang lahat ni Baruc sa isang kasulatan. Pagkatapos, sinabi niya kay Baruc, “Ayaw na akong papasukin sa Templo. Kaya, ikaw na ang pumaroon sa araw ng pag-aayuno ng mga tao; basahin mo nang malakas ang kasulatang iyan upang marinig nila ang lahat ng sinabi sa akin ni Yahweh. Tumayo ka sa dakong ikaw ay maririnig ng lahat, pati ng mga Judiong nanggaling sa kani-kanilang bayan. Baka sa ganito'y maisipan nilang tumawag kay Yahweh at talikuran ang kanilang masamang pamumuhay sapagkat binabalaan na sila ni Yahweh na labis nang napopoot at galit na galit.” Sumunod naman si Baruc; binasa niya nang malakas sa loob ng Templo ang mga pahayag ni Yahweh na nakasulat sa kasulatan. Noong ikasiyam na buwan ng ikalimang taon ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim, anak ni Josias, ang mga tao'y nag-ayuno upang matamo ang paglingap ni Yahweh. Nag-ayuno ang lahat ng naninirahan sa Jerusalem at sa mga lunsod sa Juda. Si Baruc ay pumasok sa Templo, sa silid ni Gemarias na anak ni Safan na kalihim ng hari. Ang silid na ito'y nasa gawing itaas, sa may pagpasok ng Bagong Pintuan ng Templo. Mula roon, binasa niya sa mga tao ang ipinasulat sa kanya ni Jeremias. Nang marinig ni Micaias, anak ni Gemarias at apo ni Safan, ang pahayag ni Yahweh na binasa ni Baruc mula sa isang kasulatan, nagpunta siya sa palasyo ng hari, sa silid ng kalihim. Nagpupulong noon ang lahat ng pinuno—si Elisama, ang kalihim, si Delaias na anak ni Semaias, si Elnatan na anak ni Acbor, si Gemarias na anak ni Safan, si Zedekias na anak ni Hananias, at lahat ng iba pang pinuno. Sinabi sa kanila ni Micaias ang narinig niyang binasa ni Baruc sa mga tao. Inutusan ng mga pinuno si Jehudi na anak ni Netanias at apo ni Selemias mula sa lahi ni Cusi, upang sabihin kay Baruc na dalhin ang kasulatang binasa nito sa harapan ng kapulungan. Kaya dumating si Baruc na dala ang kasulatan. “Maupo ka,” sabi nila, “at basahin mo sa amin ang nasasaad sa kasulatan.” Binasa naman ito ni Baruc. Nang marinig nila ang buong kasulatan, may pagkabahala silang nagtinginan, at sinabi kay Baruc, “Ito'y kailangang ipaalam natin sa hari!” At siya'y tinanong nila, “Paano mo naisulat ang lahat ng iyan? Idinikta ba sa iyo ni Jeremias?” Sumagot si Baruc, “Ang bawat kataga nito'y idinikta po sa akin ni Jeremias, at isinulat ko naman po.” At sinabi nila kay Baruc, “Magtago na kayo ni Jeremias. Huwag ninyong ipapaalam kahit kanino ang kinaroroonan ninyo.” Ang kasulatan ay inilagay ng mga pinuno sa silid ni Elisama, ang kalihim ng hari; pagkatapos, nagtungo sila sa bulwagan ng hari at ibinalita sa kanya ang lahat. Ipinakuha ng hari ang kasulatan kay Jehudi. Kinuha naman nito ang kasulatan sa silid ni Elisama at binasa sa harapan ng hari at sa mga pinunong nakapaligid sa kanya. Noon ay ika-9 na buwan at taglamig. Ang hari'y nasa kanyang silid na may apoy na painitan. Kapag nakabasa si Jehudi ng tatlo o apat na hanay, pinuputol ng hari ang bahaging iyon sa pamamagitan ng isang lanseta at inihahagis sa apoy. Gayon ang ginawa niya hanggang sa masunog ang buong kasulatan. Gayunman, hindi natakot o nagpakita ng anumang tanda ng pagsisisi ang hari, maging ang mga lingkod na kasama niya. Kahit na nakiusap sa hari sina Elnatan, Delaias at Gemarias, na huwag sunugin ang kasulatan, sila'y hindi nito pinansin. Pagkatapos, iniutos ng hari sa kanyang anak na si Jerameel na isama si Seraias na anak ni Azriel at si Selenias na anak ni Abdeel, upang dakpin si Propeta Jeremias at ang kalihim nitong si Baruc. Subalit sila'y itinago ni Yahweh. Matapos sunugin ng hari ang kasulatang ipinasulat ni Jeremias kay Baruc, sinabi ni Yahweh kay Jeremias na ipasulat uli ang lahat ng nasa kasulatang sinunog ni Haring Jehoiakim. Iniutos rin sa kanya ni Yahweh na sabihin kay Haring Jehoiakim, “Sinunog mo ang kasulatan, at itinatanong mo kung bakit sinulat ni Jeremias na darating ang hari ng Babilonia, sisirain ang lupaing ito, at papatayin ang mga tao at hayop. Kaya ngayon, akong si Yahweh ang nagsasabi sa iyo, Haring Jehoiakim, na sinuman sa mga anak mo'y walang maghahari sa trono ni David. Itatapon sa labas ang iyong bangkay at mabibilad sa init ng araw at lamig ng gabi. Paparusahan kita, at ang iyong mga salinlahi, pati ang iyong mga pinuno, dahil sa mga kasalanan ninyo. Ang mga babala ko'y hindi mo pinansin, gayon din ang mga taga-Jerusalem at taga-Juda, kaya pababagsakin ko na sa inyong lahat ang mga kapahamakang ibinabanta ko.” Kumuha nga si Jeremias ng isa pang kasulatan, at ipinasulat muli kay Baruc ang lahat ng nasa kasulatang sinunog ni Haring Jehoiakim. Marami pang bagay na tulad ng ipinasulat niya kay Baruc ang nadagdag dito. Si Zedekias na anak ni Haring Josias ang inilagay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia bilang hari ng Juda, kahalili ni Conias, na anak ni Haring Jehoiakim. Ngunit ang pahayag ni Yahweh na ipinapasabi kay Propeta Jeremias ay hindi rin dininig ni Zedekias, ng kanyang mga pinuno, at ng mga tao. Inutusan ni Haring Zedekias si Jehucal, anak ni Selemias, at ang paring si Zefanias na anak ni Maasias, upang hilingin kay Jeremias na idalangin kay Yahweh ang bansa. Hindi pa nabibilanggo si Jeremias nang panahong iyon; kaya malaya pa siyang nakakausap ang mga tao. Samantala, lumabas na ng Egipto ang hukbo ng Faraon upang tumuloy sa Juda. Nang mabalitaan ito ng hukbo ng Babilonia na sumasalakay sa Jerusalem, iniwan muna nila ito upang harapin ang mga Egipcio. Noon sinabi ni Yahweh kay Jeremias, “Sabihin mo sa hari ng Juda na nagsugo sa iyo upang sumangguni sa akin, ‘Ang hukbo ng Faraon na inaasahan mong darating upang tumulong sa inyo ay babalik sa Egipto. At ang mga taga-Babilonia ay babalik. Muli nilang sasalakayin ang lunsod, sasakupin at susunugin. Akong si Yahweh ay nagbababala sa iyo. Huwag mong dayain ang iyong sarili. Huwag mong akalaing ligtas ka na sa mga taga-Babilonia. Tiyak na babalik sila. At kahit na matalo mo pa ang buong hukbo ng Babilonia, kahit walang matira sa kanila kundi ang mga sugatang nasa kanilang mga tolda, babangon ang mga ito at sasakupin nila ang lunsod at tuluyang susunugin!’” Nang umatras ang mga taga-Babilonia upang harapin ang hukbo ng Faraon na sasaklolo sa Jerusalem, binalak ni Jeremias na pumunta sa lupain ng Benjamin para kunin ang kanyang bahagi sa ari-arian ng kanyang sambahayan. Ngunit pagsapit niya sa Pintuan ng Benjamin, pinigil siya ng pinuno ng pintuan na si Irijas, anak ni Selemias at apo ni Hananias at sinabi, “Tumatakas ka upang kumampi sa mga taga-Babilonia!” sabi sa kanya. Sumagot si Jeremias, “Hindi totoo ang bintang mo. Hindi ako kumakampi sa kanila!” Subalit ayaw maniwala ni Irijas; dinakip niya si Jeremias at dinala sa mga pinuno. Galit na galit ang mga ito kay Jeremias; siya'y ginulpi saka ibinilanggo sa bahay ni Jonatan, ang kalihim ng hari. Ang bahay niya ay ginawang bilangguan. Ikinulong si Jeremias sa isang selda sa ilalim ng lupa at matagal na pinigil doon. Isang araw, ipinatawag ni Haring Zedekias si Jeremias at pagdating nito ay kanyang palihim na tinanong, “May pahayag ka ba mula kay Yahweh?” Sumagot si Jeremias, “Mayroon. Ikaw ay bibihagin ng hari ng Babilonia.” Pagkatapos ay itinanong pa ni Jeremias, “Anong kasalanan ang nagawa ko sa iyo o sa iyong mga pinuno o sa mga taong-bayan at ako'y iyong ipinabilanggo? Nasaan ngayon ang iyong mga propeta na nagsabi sa iyo na hindi sasalakayin ng hari ng Babilonia ang bansang ito? Kaya ngayon, mahal na hari, isinasamo kong pakinggan mo ang kahilingan ko. Huwag na po ninyo akong ibalik sa bahay ni Jonatan na iyong kalihim. Ako po'y tiyak na mamamatay doon.” Kaya iniutos ni Haring Zedekias na dalhin si Jeremias sa himpilan ng mga bantay at dalhan siya roon ng isang pirasong tinapay araw-araw hanggang sa maubos ang lahat ng tinapay sa lunsod. Kaya sa himpilan ng mga bantay nanatili si Jeremias. Narinig ni Sefatias na anak ni Matan, ni Gedalias na anak ni Pashur, ni Jucal na anak naman ni Selemias, at ni Pashur na anak ni Malquias, ang sinasabi ni Jeremias sa mga tao. Ganito ang narinig nilang sinabi ni Jeremias: “Sinabi ni Yahweh na mamamatay sa labanan o sa matinding gutom at sakit ang sinumang mananatili sa lunsod na ito. Ngunit ang lalabas at susuko sa mga taga-Babilonia ay hindi mamamatay, bagkus ay maliligtas. Ganito ang sabi ni Yahweh: Ang lunsod na ito ay pababayaan kong masakop ng mga taga-Babilonia.” Kaya sinabi ng mga pinuno, “Mahal na hari, dapat ipapatay ang taong ito. Sa kasasalita niya ay natatakot tuloy ang mga kawal pati ang mga mamamayan. Hindi nakakatulong sa bayan ang taong iyan; nais pa niyang mapahamak tayong lahat.” Kaya sinabi ni Haring Zedekias, “Kung gayon, gawin ninyo sa kanya ang nais ninyo; hindi ko kayo mapipigil.” Dinakip nila si Jeremias at inihulog sa balon ni Malquias, ang anak ng hari, na nasa himpilan ng mga bantay. Hindi tubig kundi putik ang laman ng balon, kaya lumubog siya sa putik. Ang pangyayaring ito'y nabalitaan ni Ebed-melec, isang Etiopeng naglilingkod sa palasyo ng hari. Ang hari naman ay kasalukuyang nasa may Pintuan ni Benjamin. Pinuntahan ni Ebed-melec ang hari at sinabi, “Mahal na hari, masama ang ginawa ng mga pinuno; inihulog nila sa balon si Jeremias. Maaaring mamatay siya sa gutom sapagkat wala nang pagkain sa lunsod.” Inutusan ng hari si Ebed-melec na magsama ng tatlong lalaki at pagtulung-tulungan nilang iahon sa balon si Jeremias bago ito mamatay. Isinama ni Ebed-melec ang mga lalaki, kumuha sila ng mga lumang damit sa taguan, at inihulog kay Jeremias sa pamamagitan ng lubid. Sinabi ni Ebed-melec kay Jeremias, “Isapin po ninyo sa inyong kili-kili ang mga lumang damit para hindi kayo masaktan ng lubid.” Sumunod naman si Jeremias, at hinila nila siya paitaas hanggang sa maiahon. Pagkatapos ay iniwan nila si Jeremias sa himpilan ng mga bantay. Ipinatawag ni Haring Zedekias si Jeremias at kinausap sa ikatlong pintuan ng Templo. “May itatanong ako sa iyo at huwag kang maglilihim sa akin kahit ano,” sabi ng hari. Sumagot si Jeremias, “Kung sabihin ko sa inyo ang katotohanan, ipapapatay ninyo ako, at kung payuhan ko naman kayo, ayaw ninyong pakinggan.” Palihim na nangako kay Jeremias si Haring Zedekias, “Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy na nagbibigay-buhay sa atin! Ipinapangako kong hindi kita ipapapatay, at hindi rin kita ipagkakanulo sa mga taong ibig pumatay sa iyo.” Matapos marinig ang gayon, sinabi ni Jeremias kay Zedekias ang sabi ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, “Kung kayo'y susuko sa mga pinuno ng hari ng Babilonia, maliligtas ang buhay ninyo at hindi nila susunugin ang lunsod. Kayo at ang inyong sambahayan ay mabubuhay. Ngunit kung hindi kayo susuko, ibibigay sa taga-Babilonia ang lunsod na ito. Susunugin nila ito, at hindi kayo makakaligtas.” Sumagot si Haring Zedekias, “Natatakot ako sa mga Judiong kumampi sa mga taga-Babilonia. Baka ibigay ako sa kanila, at ako'y pahirapan nila.” “Hindi kayo ibibigay sa kanila,” sabi ni Jeremias. “Ipinapakiusap kong sundin ninyo ang salita ni Yahweh, gaya ng pagkakasabi ko sa inyo. Sa gayo'y mapapabuti kayo at maliligtas. Ipinaalam na sa akin ni Yahweh, sa pamamagitan ng isang pangitain, ang mangyayari kapag hindi kayo sumuko. Nakita kong inilalabas ng mga pinunong taga-Babilonia ang lahat ng babaing naiwan sa palasyo ng hari sa Juda. Pakinggan ninyo ang sinasabi nila: ‘Ang hari'y iniligaw ng pinakamatalik niyang mga kaibigan; naniwala siya sa kanila. At ngayong nakalubog sa putik ang kanyang mga paa, iniwan na siya ng mga kaibigan niya.’” Pagkatapos ay sinabi ni Jeremias, “Bibihagin ng mga taga-Babilonia ang lahat ng babae at mga bata; pati ikaw ay hindi makakaligtas. Dadalhin kang bihag, at susunugin ang lunsod na ito.” Sumagot si Zedekias, “Huwag mong ipapaalam kahit kanino ang pag-uusap na ito, at hindi na manganganib ang buhay mo. Kung mabalitaan ng mga pinuno na kinausap kita, lalapitan ka nila at itatanong kung ano ang pinag-usapan natin. Mangangako pa sila na hindi ka papatayin kung magtatapat ka. Ngunit sabihin mong nakikiusap ka lang sa akin na huwag na kitang ipabalik sa bahay ni Jonatan upang doon mamatay.” Nagpunta nga kay Jeremias ang lahat ng pinuno at tinanong siya. At sinabi naman niya sa kanila ang iniutos ng hari na kanyang isasagot. Wala silang magawâ sapagkat walang nakarinig sa pag-uusap nila. At nanatili si Jeremias sa himpilan ng mga bantay hanggang sa masakop ang Jerusalem. Dumating si Haring Nebucadnezar ng Babilonia, kasama ang kanyang buong hukbo at kinubkob ang Jerusalem noong ikasampung buwan ng ikasiyam na taon ng paghahari ni Haring Zedekias sa Juda. At noong ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan naman ng ikalabing isang taon ng paghahari ni Zedekias, napasok nila ang lunsod. Matapos makuha ang Jerusalem, lahat ng pinuno ng hari ng Babilonia ay sama-samang naupo sa Gitnang Pintuan ng lunsod. Kabilang dito sina Nergal-sarezer, Samgar-nebo, Sarsequim ng Rabsaris, Nergal-sarezer ng Rabmag, at ang iba pang mga pinuno ng hari ng Babilonia. Nang makita sila ni Haring Zedekias at ng kanyang mga tauhan, tumakas sila pagsapit ng gabi. Sila'y dumaan sa halamanan ng hari, sa pintuang nasa pagitan ng dalawang pader, at tumakas patungo sa Libis ng Jordan. Ngunit hinabol sila ng mga kawal ng Babilonia, at inabutan sa kapatagan ng Jerico. Nabihag si Zedekias at ang mga kasama niya, at dinala kay Haring Nebucadnezar na noo'y nasa Ribla, sa lupain ng Hamat. Iginawad ni Nebucadnezar ang hatol na kamatayan. Pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak na lalaki ni Zedekias sa harapan nito pati ang mga pinuno ng Juda. Ipinadukit ang mga mata ni Zedekias, at pagkatapos ay ginapos ng kadena upang dalhin sa Babilonia. Sinunog din ng mga kaaway ang palasyo ng hari at ang mga bahay sa lunsod, at iginuho ang mga pader ng Jerusalem. Sa pangunguna ni Nebuzaradan, ang pinuno ng bantay, dinalang-bihag sa Babilonia ang mga taong nalabi sa lunsod, pati ang mga kumampi sa kanya. Ang tangi niyang iniwan sa lupain ng Juda ay ang mahihirap na taong walang anumang ari-arian; binigyan pa niya sila ng mga ubasan at bukirin. Iniutos ni Haring Nebucadnezar kay Nebuzaradan, “Kunin mo si Jeremias at alagaang mabuti. Huwag mo siyang sasaktan at sundin mo ang kanyang kahilingan.” Kaya isinama ni Nebuzaradan ang matataas na pinunong sina Nebuzazban, Nergal-sarezer, at lahat ng iba pang pinuno ng hari sa Babilonia. Kinuha nila si Jeremias mula sa himpilan ng bantay at ipinagkatiwala kay Gedalias, anak ni Ahicam na anak naman ni Safan. Doon siya tumira, kasama ng sarili niyang mga kababayan. Samantalang nasa himpilan ng bantay si Jeremias, sinabi sa kanya ni Yahweh, “Pumunta ka kay Ebed-melec na taga-Etiopia at sabihin mo: Ganito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel. Matutupad na ngayon ang lahat ng sinabi kong pagkawasak laban sa lunsod na ito. Makikita mo ang kapahamakang aking ibinabala sa takdang araw. Subalit ililigtas kita sa araw na iyon, at hindi ka ibibigay sa kamay ng mga taong kinatatakutan mo. Ikaw ay tiyak na ililigtas ko at hindi mapapatay ng mga kalaban. Mabubuhay ka sapagkat nanalig ka sa akin.” Nagpahayag muli si Yahweh kay Jeremias matapos itong palayain sa Rama ni Nebuzaradan, ang pinuno ng bantay ng Babilonia. Dinala kami ditong nakagapos, kasama ng iba pang mga taga-Jerusalem at taga-Juda upang dalhing-bihag sa Babilonia. Sinabi sa kanya ni Nebuzaradan, “Ibinabala ng Diyos mong si Yahweh na wawasakin ang lupaing ito. Ang babalang iyon ay isinagawa niya ngayon sapagkat nagkasala at sumuway kay Yahweh ang bayang ito. Subalit ikaw, Jeremias, ay pawawalan ko na. Kung ibig mo'y sumama ka sa akin sa Babilonia, at kakalingain kita. Ngunit kung ayaw mo, ikaw ang bahala. Masdan mo ang buong lupain sa harapan mo; maaari kang magpunta kung saan mo nais.” Hindi sumagot si Jeremias, kaya nagpatuloy si Nebuzaradan. “Kung gusto mo naman, pumunta ka kay Gedalias; siya ang inilagay ng hari ng Babilonia bilang gobernador sa buong lupain ng Juda. Malaya kang makakapanirahan doon o kahit saan na iniisip mong mabuti.” Pagkatapos, binigyan niya si Jeremias ng pagkain at kaloob, at pinaalis na. Si Jeremias nama'y pumunta kay Gedalias sa Mizpa, at doon nakipamayan kasama ng mga taong naiwan sa lupain ng Juda. May mga pinuno at mga kawal ng Juda na hindi sumuko sa mga taga-Babilonia. Nabalitaan nila ang pagkahirang kay Gedalias bilang gobernador ng lupain at tagapamahala sa pinakamahihirap na mamamayan na hindi dinala sa Babilonia. Kaya pinuntahan nila si Gedalias sa Mizpa. Kabilang sa mga pinunong ito sina Ismael na anak ni Netanias, Johanan na anak ni Karea, Seraias na anak ni Tanhumet, ang mga anak ni Efai na taga-Metofat, Jezanias na anak ng taga-Maaca. At sinabi sa kanila ni Gedalias, “Huwag kayong matakot na maglingkod sa mga taga-Babilonia. Manirahan kayo sa lupaing ito, paglingkuran ninyo ang hari ng Babilonia, at kayo'y mapapabuti. Ako ay mananatili rito sa Mizpa upang maging kinatawan ninyo sa mga sugo ng Babilonia na maaaring dumating dito. Kayo'y manirahan sa mga nayong inyong magustuhan. Anihin ninyo ang mga ubas, olibo at iba pang bungangkahoy, at mag-imbak kayo ng langis at alak.” Nabalitaan din ng mga Judio sa Moab, Ammon, Edom, at iba pang bansa, na may mga kababayan silang naiwan sa Juda, at si Gedalias ang inilagay ng hari ng Babilonia para mamahala sa kanila. Kaya sila'y umalis sa lupaing pinagtapunan sa kanila at nakipagkita kay Gedalias sa Mizpa. Nakapagtipon sila ng napakaraming prutas at alak doon. Si Johanan na anak ni Karea, at lahat ng namumuno sa hukbong hindi sumuko ay nagpunta kay Gedalias sa Mizpa. Ang sabi nila, “Alam ba ninyong si Ismael na anak ni Netanias ay sinugo ni Baalis na hari ng mga Ammonita upang patayin kayo?” Subalit ayaw maniwala ni Gedalias. Pagkatapos, palihim na sinabi ni Johanan sa kanya, “Bayaan po ninyong patayin ko si Ismael. Hindi kayo dapat masawi sa kamay ng taong iyon. Kapag kayo'y namatay, mangangalat ang lahat ng Judio na nasa inyong pamamahala; mapapahamak pati ang mga nalabi sa Juda.” Ngunit sumagot si Gedalias, “Johanan, huwag mong gawin iyan. Hindi totoo ang sinasabi mo tungkol kay Ismael.” Si Ismael na anak ni Netanias at apo ni Elisama ay mula sa lahi ng hari at isa sa matataas na pinuno sa palasyo. Noong ikapitong buwan ng taóng iyon, pinuntahan nila si Gedalias sa Mizpa, kasama ang sampu niyang tauhan. At habang sila'y kumakain, tumayo si Ismael at ang sampung tauhan nito at sinunggaban si Gedalias. Pinatay nila ang hinirang ng hari ng Babilonia sapagkat ginawa itong gobernador ng lupain. Pinatay rin ni Ismael ang mga Judiong kasama ni Gedalias sa Mizpa, pati ang mga kawal na taga-Babilonia na nagkataong naroon. Kinabukasan, matapos patayin si Gedalias, at bago pa nalaman ng sinuman, may walumpung kalalakihang dumating buhat sa Shekem, Shilo, at Samaria. Ahit ang kanilang balbas, punit ang damit, at pawang sugatan; may dala silang trigo at insenso upang ihandog sa Templo ni Yahweh. Lumabas mula sa Mizpa si Ismael; umiiyak siyang sumalubong at ang sabi, “Pumasok kayo, naririto si Gedalias na anak ni Ahicam.” Pagkapasok nila sa lunsod, sila'y pinatay ni Ismael at ng mga tauhan nito, at itinapon sa isang hukay ang mga bangkay. May sampung lalaking hindi napatay, at sila'y nakiusap kay Ismael, “Huwag mo kaming patayin. Marami kaming nakaimbak na trigo, sebada, langis, at pulot-pukyutan. Nakatago ang mga ito sa kabukiran.” Kaya, naawa siya at hindi sila pinatay. Ang malaking hukay na ipinagawa ni Haring Asa ng Juda nang pagbantaan siyang salakayin ni Haring Baasa ng Israel ay napuno ng mga bangkay na itinapon doon ni Ismael. Pagkatapos, binihag ni Ismael ang lahat ng nasa Mizpa—ang mga anak na babae ng hari at ang mga mamamayang iniwan ni Nebuzaradan sa pamamahala ni Gedalias. At sila'y umalis patungo sa lupain ng Ammon. Nabalitaan ni Johanan, at ng mga kasama niyang pinuno at mga kawal ang kasamaang ginawa ni Ismael. Isinama nila ang lahat ng kanilang tauhan at hinabol si Ismael; inabutan nila ito sa may malaking deposito ng tubig sa Gibeon. Gayon na lamang ang tuwa ng mga bihag ni Ismael nang makita si Johanan at ang kanyang mga tauhan. At silang lahat ay nagtakbuhan papunta kay Johanan. Subalit si Ismael, kasama ang walo niyang tauhan, ay nagtuloy sa lupain ng mga Ammonita. Tinipon ni Johanan at ng mga pinunong kasama niya ang mga bihag na dala ni Ismael mula sa Mizpa, matapos patayin si Gedalias. Kabilang dito'y mga kawal, babae, bata, at eunuko; silang lahat ay ibinalik ni Johanan buhat sa Gibeon. Nagpunta sila at tumigil sa Gerut-quimam, malapit sa Bethlehem, subalit may balak na magtuloy sa Egipto. Natatakot silang paghigantihan ng mga taga-Babilonia dahil sa ginawa ni Ismael kay Gedalias, na inilagay ng hari ng Babilonia bilang gobernador ng Juda. Lumapit kay Jeremias si Johanan na anak ni Karea, si Azarias na anak ni Hosaias, ang iba pang pinuno ng hukbo, at lahat ng mamamayan mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila. Ang pakiusap nila sa propeta, “Idalangin ninyo kami kay Yahweh na inyong Diyos, ang lahat ng natirang ito. Kakaunti na lamang kaming natira ngayon tulad ng nakikita ninyo. Hilingin po ninyo na ituro niya sa amin ang nararapat naming puntahan at gawin.” Sinabi sa kanila ni Jeremias, “Oo, idadalangin ko kayo kay Yahweh at sasabihin ko sa inyo kung ano ang sagot niya. Wala akong ililihim na anuman.” Sinabi pa nila kay Jeremias, “Parusahan kami ni Yahweh kapag hindi namin ginawa ang sasabihin niya. Mabuti man ito o hindi, susundin namin ang sasabihin ni Yahweh sapagkat alam naming mapapabuti kami kung susunod sa kanyang salita.” Pagkaraan ng sampung araw, tinanggap ni Jeremias ang pahayag ni Yahweh. Kaya tinawag niya si Johanan, ang lahat ng pinuno ng hukbong kasama nito, at ang lahat ng mamamayan, mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila. Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, tungkol sa inyong kahilingan: Kung kayo'y mananatili sa lupaing ito, pagpapalain ko kayo at hindi ipapahamak; itatanim at hindi bubunutin. Nalulungkot ako dahil sa kapahamakang ipinadala ko sa inyo. Huwag kayong matakot sa hari ng Babilonia sapagkat ako'y sasainyo at ililigtas ko kayo. Kaaawaan ko kayo upang kaawaan din niya at payagang manatili sa inyong lupain. Datapwat kapag sinuway ninyo ang mensahe ni Yahweh na inyong Diyos, kapag hindi kayo nanatili rito, at sa halip ay pumunta kayo sa Egipto, sa paniniwalang walang digmaan doon, at hindi kayo magugutom, ito ang sinasabi ko sa inyo: Kayong nalabi sa Juda, kapag kayo'y pumunta at nanirahan sa Egipto, aabutan kayo roon ng kaaway na inyong kinatatakutan; daranas kayo ng taggutom na inyong pinangangambahan, at doon kayo mamamatay. Lahat ng maninirahan doon ay mamamatay sa digmaan, sa gutom, at sa salot. Walang makakaligtas sa inyo.” Sinabi pa ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, “Kung paano ko ibinuhos sa Jerusalem ang aking galit at poot, gayon ko ito ibubuhos sa inyo, kapag kayo'y pumaroon sa Egipto. Kayo'y katatakutan, pagtatawanan, susumpain, at hahamakin. At hindi na ninyo makikita pa ang lupaing ito. “Akong si Yahweh ang nagsasabi sa inyo, kayong nalabi sa Juda, na huwag kayong pupunta sa Egipto. Tandaan ninyo, mamamatay kayo kapag kayo'y sumuway. Si Jeremias ay sinugo ninyo upang dumalangin sa akin; sinabi ninyo na inyong gagawin ang anumang sasabihin ko. Ipinahayag ko naman ito sa inyo ngayon, subalit hindi ninyo tinutupad ang ipinapasabi ko. Ngayon nga'y tinitiyak ko sa inyo na kayo'y mamamatay sa digmaan, sa gutom, at sa salot na aking ipadadala sa lugar na ibig ninyong puntahan.” Nang masabi na ni Jeremias ang lahat ng ipinapasabi ni Yahweh sa mga tao, sinabi sa kanya nina Azarias, anak ni Hosaias, Johanan na anak ni Karea, at ng mga lalaking mayayabang, “Sinungaling! Ikaw ay hindi sinugo ni Yahweh upang sabihin sa amin na huwag kaming manirahan sa Egipto. Sinulsulan ka lamang ni Baruc na anak ni Nerias laban sa amin, upang ibigay kami sa kamay ng mga taga-Babilonia; sa gayon, papatayin nila kami o kaya'y dadalhing-bihag.” Si Johanan, ang lahat ng pinuno ng hukbo, at ang mga tao'y hindi nakinig sa mensahe ni Yahweh; ipinasiya nilang umalis sa Juda. Kaya, tinipon ni Johanan at ng mga pinuno ng hukbo ang lahat ng nalabi na nagbalik sa Juda mula sa mga bansang pinagtapunan sa kanila, mga lalaki, mga babae, mga bata, mga anak na babae ng hari, at ang mga taong ipinagkatiwala ni Nebuzaradan, ang pinuno ng mga bantay, kay Gedalias na anak ni Ahicam at apo ni Safan; kabilang din dito sina Propeta Jeremias at Baruc. Hindi sila nakinig sa mensahe ni Yahweh at sila'y nagpunta sa Egipto; una nilang narating ang Tafnes. Sa Tafnes ay nagpahayag si Yahweh kay Jeremias: “Kumuha ka ng ilang malalaking bato at ibaon mo sa daanang papasok sa palasyo ng Faraon sa Tafnes; gawin mo itong nakikita ng mga Judio. Sabihin mo sa kanila, ‘Sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: Dadalhin ko ang aking lingkod na si Haring Nebucadnezar ng Babilonia, at ang kanyang trono ay ilalagay niya sa ibabaw ng mga batong ito na aking ibinaon; ilalatag niya sa ibabaw nito ang kanyang tolda. Pagkatapos ay sasalakayin niya ang Egipto at papatayin ang mga dapat mamatay, bibihagin ang dapat bihagin, at papatayin ang itinakdang mamatay sa digmaan. Susunugin niya ang mga templo ng mga diyus-diyosan ng Egipto, gayon din ang mga gusali, at bibihagin ang mga diyos. Lilinisin niya ang lupain ng Egipto, gaya ng paglilinis ng isang pastol sa kanyang kasuotan upang maalis ang mga pulgas. Kung maganap na niyang lahat ito, matagumpay niyang lilisanin ang Egipto. Gigibain din niya ang mga haliging itinuturing na sagrado sa Egipto, at susunugin ang lahat ng templo ng mga diyus-diyosan doon.’” Si Jeremias ay kinausap ni Yahweh tungkol sa mga Judiong naninirahan sa Egipto, sa Migdol, sa Tafnes, sa Memfis, at sa lupain ng Patros. Ito ang kanyang sinabi: “Nakita ninyo ang kapahamakang nangyari sa Jerusalem at sa mga lunsod ng Juda. Ngayon ay wasak na ang mga ito, at wala nang naninirahan doon. Ginawa ko ito dahil sa kasamaan nila. Nagsunog sila ng insenso at naglingkod sa mga diyos na hindi nila nakikilala, maging kayo o ng inyong mga ninuno. Gayunman, patuloy kong sinugo sa inyo ang aking mga lingkod na propeta. Sinabi nila sa inyo, ‘Huwag ninyong gawin ang kasuklam-suklam na bagay na iyan.’ Subalit hindi sila nakinig; hindi nila pinagsisihan at tinalikuran ang kanilang kasamaan at patuloy rin silang nagsunog ng handog sa mga diyus-diyosan. Napoot ako sa kanila kaya winasak ko ang kanilang mga lunsod hanggang ngayon.” Ngayon nga'y sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Bakit ninyo ginawa ang kasamaang ito? Nais ba ninyong mamatay ang mga lalaki't babae, mga bata at sanggol? Nais ba ninyong lubusang maubos ang mga taga-Juda? Bakit ninyo ako ginagalit sa pamamagitan ng inyong pagsamba at pagsusunog ng handog sa mga diyus-diyosan sa Egipto na inyong tinatahanan? Winawasak ninyo ang inyong sarili at kayo'y magiging tampulan ng paghamak at pagsumpa ng lahat ng bansa. Nakalimutan na ba ninyo ang kasamaang ginawa ng inyong mga ninuno, ng mga hari at ng kanilang mga asawa, ang mga ginawa ninyo at ng inyong mga asawa, sa lupain ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem? Hanggang ngayo'y hindi kayo nagpapakumbabá o natatakot man, hindi sumusunod sa aking utos at mga tuntuning ibinigay sa inyo at sa inyong mga magulang. “Kaya akong si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, ang nagsasabi: Nakapagpasya na akong kayo'y padalhan ng kapahamakan upang wakasan na ang buong Juda. Paparusahan ko rin ang mga nalabi sa Juda na nagpumilit na manirahan sa Egipto; doon nila sasapitin ang kanilang wakas. Ang iba'y mamamatay sa digmaan; sa gutom naman ang iba. Dakila't hamak ay sama-samang mamamatay sa labanan, sa gutom o sa salot. At pagtatawanan, pandidirihan, hahamakin at susumpain. Paparusahan ko ang mga nakatira sa Egipto, tulad ng ginawa kong parusa sa mga taga-Jerusalem; ito'y sa pamamagitan ng digmaan, taggutom, at salot. Ang mga nalabi sa Juda ay nagpunta upang manirahan sa Egipto, at nagtitiwala silang makakabalik upang muling manirahan sa Juda. Ngunit hindi na sila makakabalik; isa man sa kanila'y walang mabubuhay o makakatakas.” Ang lahat ng kalalakihang naroon na nakakaalam na ang kanilang mga asawa'y nagsusunog ng handog sa ibang diyos, gayon din ang mga kababaihang nakatayo sa malapit, at lahat ng naninirahan sa Patros, sakop ng Egipto, ay nagsabi kay Jeremias, “Hindi namin papakinggan ang sinasabi mo sa amin sa pangalan ni Yahweh. Sa halip gagawin namin ang lahat ng aming ipinangako sa aming sarili: magsusunog kami ng handog sa reyna ng kalangitan, mag-aalay kami ng handog na alak para sa kanya, gaya ng ginagawa ng aming mga ninuno, mga hari, at mga pinuno, at gaya ng ginawa namin sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan sa Jerusalem. Noon ay sagana kami sa pagkain, payapa kami, at walang anumang kapahamakang dumating sa amin. Ngunit simula nang ihinto namin ang pagsusunog ng handog sa reyna ng kalangitan at ang pag-aalay ng handog na alak sa kanya, dumanas kami ng matinding paghihirap. Marami sa amin ang nasawi sa digmaan at sa gutom.” At sumagot ang mga babae, “Pinausukan namin ng insenso ang reyna ng kalangitan at kami'y naghandog ng alak sa kanya. Alam ng aming mga asawa na gumagawa kami ng mga tinapay na inukitan ng larawan niya. Nag-alay din kami ng alak na handog sa kanya.” Kaya sumagot si Jeremias sa lahat ng mga nagsabi sa kanya nito, “Hindi nakakalimutan ni Yahweh ang mga sinunog ninyong handog sa mga lunsod ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem, kayo at ang inyong mga ninuno, mga hari, mga pinuno, at lahat ng nasa lupain. Umabot na sa sukdulan ang inyong kasamaan kaya winasak ni Yahweh ang inyong lupain. Dumating sa inyo ang kapahamakang ito sapagkat nagsunog kayo ng mga handog na ito, at iyan ay kasalanan kay Yahweh. Hindi rin ninyo sinunod si Yahweh o tinupad ang kanyang mga utos at tuntunin.” Sinabi pa ni Jeremias sa mga tao, “Pakinggan ninyo ang pahayag ni Yahweh, lahat kayong taga-Juda na nakatira sa Egipto. Ito'y mga mensahe ni Yahweh, ang Makapangyarihang Diyos ng Israel. Kayo at ang inyong mga asawang babae ay nagsabi ng ganito: ‘Gagawin namin ang aming ipinangako; magsusunog kami ng mga handog sa reyna ng kalangitan, at mag-aalay ng handog na alak sa kanya.’ Patunayan ninyo at tuparin ang inyong mga ipinangako. Ngunit pakinggan ninyo ang sabi ng Panginoong Yahweh, kayong taga-Juda na naninirahan sa Egipto, “Isinusumpa ko sa aking dakilang pangalan na ang pangalan ko'y hindi na muling sasambitin ng mga taga-Juda. Hindi ko na ipapahintulot na gamitin ang aking pangalan sa panunumpa sa lupain ng Egipto. Magbabantay ako upang padalhan kayo ng kasamaan at hindi kabutihan; lahat ng lalaking taga-Juda na nasa Egipto ay mamamatay sa digmaan at sa gutom, hanggang maubos silang lahat. Pagkatapos noon, saka mapapatunayan ng lahat ng nalabi sa Juda, na naninirahan sa Egipto, kung kaninong salita ang natupad, ang sa kanila o ang sa akin. Ito ang palatandaang ibibigay ko sa inyo na kayo'y aking paparusahan sa lugar na ito upang malaman ninyo na magaganap nga ang kasamaang sinalita ko laban sa inyo. Ito'y mga salita ni Yahweh: si Faraon Hofra, hari sa Egipto, ay ibibigay ko sa kanyang mga kaaway na nagnanais pumatay sa kanya, katulad ng ginawa ko kay Haring Zedekias ng Juda, na ibinigay ko kay Haring Nebucadnezar na kaaway niya at nais siyang patayin.” Noong ika-4 na taon ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim, anak ni Josias, kinausap ni Jeremias si Baruc na anak ni Nerias; isinulat naman nito ang lahat ng idinikta ng propeta: “Baruc, ito ang sinasabi sa iyo ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. Sinabi mo sa akin na kahabag-habag ka sapagkat dinagdagan ni Yahweh ang iyong paghihirap; pinadalhan ka niya ng kalungkutan. Pagod ka na sa pagdaing, at wala kang kapahingahan. Subalit ipinapasabi sa iyo ni Yahweh, ‘Winawasak ko ang aking itinayo, at binubunot ko ang aking itinanim. Gagawin ko ito sa buong daigdig. Huwag mo nang hangaring makamit ang mga dakilang bagay, sapagkat padadalhan ko ng kapahamakan ang lahat; gayunman, ipinapangako kong iingatan ko ang iyong buhay saan ka man pumunta. Akong si Yahweh ang maysabi nito!” Ito ang sinabi ni Yahweh kay Propeta Jeremias tungkol sa mga bansa. Tungkol sa Egipto, sa hukbo ni Faraon Neco na nilupig ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia, samantalang sila'y nakahimpil sa may Ilog Eufrates sa Carquemis noong ika-4 na taon ng paghahari sa Juda ni Jehoiakim, anak ni Josias: “Ihanda ninyo ang inyong mga kalasag, at sumugod sa digmaan! Lagyan ninyo ng sapin ang mga kabayo, at sakyan ng mga mangangabayo. Humanay kayo at isuot ang inyong helmet, ihasa ang inyong mga sibat, at magbihis ng mga gamit pandigma! Ngunit ano itong aking nakikita? Sila'y takot na takot na nagbabalik. Nalupig ang kanilang mga kawal, at mabilis na tumakas; hindi sila lumilingon, sapagkat may panganib sa magkabi-kabila! Ngunit hindi makakatakas kahit ang maliliksi, at hindi makalalayo ang mga kawal. Sila'y nabuwal at namatay sa may Ilog Eufrates sa gawing hilaga. Sino itong bumabangon katulad ng Nilo, gaya ng mga ilog na ang tubig ay malakas na umaalon? Ang Egipto ang bumabangong tulad ng Nilo, gaya ng ilog na umaalon. Sabi niya, ‘Ako'y babangon, aapawan ko ang lupa, wawasakin ang mga lunsod, at lilipulin ang mga naninirahan doon. Lumusob kayo, mga mangangabayo! Sumugod kayong nasa mga karwahe! Sumalakay kayo, mga mandirigma, mga lalaking taga-Etiopia at Libya na bihasang humawak ng kalasag; kayo ring taga-Lud na sanay sa pagpana.’” Ang araw na iyon ay araw ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon, araw ng paghihiganti niya sa mga kaaway. Ang tabak ay parang gutom na kakain at hindi hihinto hanggang hindi busog, iinumin nito ang kanilang dugo. At ihahandog ni Yahweh ang mga bangkay nila sa lupain sa hilaga, sa may Ilog Eufrates. Umakyat ka sa Gilead, kumuha ka roon ng panlunas. Walang bisa ang maraming gamot na ginamit mo; hindi ka na gagaling. Nabalitaan ng mga bansa ang kahihiyan mo, at umaalingawngaw sa sanlibutan ang iyong sigaw. Natisod ang kawal sa kapwa kawal; sila'y magkasabay na nabuwal. Ito ang sinabi ni Yahweh kay Propeta Jeremias tungkol sa pagdating ni Haring Nebucadnezar upang salakayin ang Egipto. “Ipahayag ninyo sa Egipto, sa Migdol, sa Memfis, at sa Tafnes: ‘Tumayo kayo at humanda, sapagkat ang tabak ang lilipol sa inyong lahat.’ Bakit tumakas ang itinuturing na malakas na diyus-diyosang si Apis? Bakit hindi siya makatayo? Sapagkat siya'y ibinagsak ni Yahweh. Nalugmok ang maraming kawal; ang wika nila sa isa't isa, ‘Umurong na tayo sa ating bayan upang tayo'y makaiwas sa tabak ng kaaway.’ “Ang Faraon ng Egipto ay tawagin ninyong ‘Ang maingay na ugong na nagsasayang ng panahon.’ Sinasabi ng Hari na ang pangala'y Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat. Ako ang buháy na Diyos! Gaya ng Tabor sa gitna ng mga bundok, at ng Carmelo sa may tabing-dagat, gayon ang lakas ng isang sasalakay sa inyo. Mga taga-Egipto, ihanda ninyo ang inyong sarili sa pagkabihag! Mawawasak at guguho ang Memfis, at wala isa mang maninirahan doon. Ang Egipto'y gaya ng isang magandang bakang dumalaga, ngunit dumating sa kanya ang isang salot buhat sa hilaga. Pati ang kanyang mga upahang kawal ay parang mga guyang walang kayang magtanggol. Nagbalik sila at magkakasamang tumakas, sapagkat sila'y hindi nakatagal. Dumating na ang araw ng kanilang kapahamakan; oras na ng kanilang kaparusahan. Siya'y dahan-dahang tumakas, gaya ng ahas na gumagapang na papalayo. Sapagkat dumating ang makapangyarihang kaaway, may dalang mga palakol, tulad ng mamumutol ng mga punongkahoy. Puputulin nito ang mga punongkahoy sa kanyang kagubatan, sabi ni Yahweh, bagama't ito'y mahirap pasukin; mas marami sila kaysa mga balang, at halos hindi mabilang. Mapapahiya ang mga taga-Egipto; ibibigay sila sa mga taga-hilaga.” Sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Paparusahan ko si Ammon na taga-Tebes, ang Faraon, ang Egipto at ang kanyang mga diyos at mga hari, at ang mga nagtitiwala kay Faraon. Sila'y ibibigay ko kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at sa mga pinuno nito. Pagkatapos, pananahanan ang Egipto gaya noong unang panahon. “Ngunit huwag kang matakot, lingkod kong Jacob; at huwag kang manlupaypay, Israel. Ililigtas ko kayo, kahit saan kayo naroon; kahit nasa lupain ng pagkabihag ang inyong mga anak. Manunumbalik ang payapang pamumuhay ni Jacob, at siya'y sasagana at wala nang katatakutan. Inuulit ko, Jacob na aking lingkod, huwag kang matakot, sapagkat ako'y sumasaiyo,” sabi ni Yahweh. “Ganap na magwawakas ang lahat ng bansang pinagtapunan ko sa iyo, subalit ikaw ay hindi ko wawasakin. Paparusahan kita sapagkat iyon ang nararapat; hindi maaaring hindi kita parusahan.” Ito ang pahayag na tinanggap ni Jeremias kay Yahweh tungkol sa mga Filisteo bago sinalakay ni Faraon ang Gaza: “Tumataas ang tubig sa hilaga, at babaha, ito'y aapaw sa buong lupain; magpapasaklolo ang mga tao, maghihiyawan sa matinding takot. Maririnig ang ingay ng yabag ng mga kabayo, ang paghagibis ng mga karwahe! Hindi na maaalala ng mga magulang ang kanilang mga anak; manghihina ang kanilang mga kamay, sapagkat dumating na ang araw ng pagkawasak ng mga Filisteo. Ang pinakahuling magtatanggol sa Tiro at Sidon ay babagsak; sapagkat lilipulin ni Yahweh ang mga Filisteo, ang nalabi sa baybayin ng Caftor. Parang kinalbo ang Gaza; pinatahimik ang Ashkelon. Hanggang kailan magluluksa ang mga Filisteo? Kailan pa magpapahinga ang tabak ni Yahweh? Lumigpit ka na sa kaluban, at doon manahimik! Paano naman itong mapapahinga? Hindi pa tapos ang gawaing itinakda sa kanya ni Yahweh laban sa Ashkelon at sa kapatagang malapit sa dagat; doon nakatakda ang gawain nito.” Tungkol sa Moab, ganito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Kahabag-habag ang Nebo, sapagkat ito'y ganap na mawawasak. Nalupig ang Kiryataim, nawasak ang kanyang pader, at nalagay sa kahihiyan ang mga mamamayan. Wala na ang katanyagan ng Moab; ang Hesbon ay nasakop na ng kaaway. Sinabi pa nila, ‘Halikayo, wasakin natin ang Moab hanggang hindi na ito matawag na isang bansa!’ At kayong nakatira sa Dibon, kayo'y patatahimikin; hahabulin ng tabak ang inyong mamamayan. Dinggin ninyo ang pagtangis sa Horonaim; dahil sa karahasan at pagkawasak. “Wasak na ang Moab. Iyakan ng mga bata ang siyang maririnig. Sa pag-akyat sa Luhit, mapait na tumatangis ang mga mamamayan; pagbaba sa Horonaim, naririnig ang paghiyaw ng ‘Kapahamakan!’ Tumakas kayo, iligtas ninyo ang inyong buhay, gaya ng mailap na asno sa disyerto. “Mga taga-Moab, dahil nagtiwala kayo sa inyong lakas at kayamanan, kayo'y malulupig din; at dadalhing-bihag ang diyus-diyosan ninyong si Quemos, pati ang kanyang mga pari at mga lingkod. Papasukin ng tagawasak ang bawat lunsod; at walang makakatakas. Mawawasak ang kapatagan at ang libis ay guguho. Lagyan ninyo ng puntod ang Moab, sapagkat tiyak ang kanyang pagbagsak; mawawasak ang kanyang mga lunsod, at wala nang maninirahan doon.” Sumpain siya na pabaya sa pagtupad sa gawain ni Yahweh! Sumpain siya na ayaw gumamit ng kanyang tabak sa pagpatay. “Namuhay na panatag ang Moab mula sa kanyang kabataan,” sabi ni Yahweh. “Siya'y gaya ng alak na hindi nagagalaw ang latak. Hindi siya isinasalin sa ibang sisidlan; hindi pa siya nadadalang bihag. Kaya hindi pa nagbabago ang kanyang lasa, at ang kanyang amoy ay hindi pa nawawala. “Kaya, tiyak na darating ang panahon na magsusugo ako ng mga lalaking magtutumba sa mga sisidlan; itatapon nila ang laman nito, at saka babasagin hanggang sa madurog. At ikakahiya ng mga taga-Moab si Quemos, na kanilang diyus-diyosan, katulad ng Bethel, ang diyus-diyosang ikinahiya ng Israel matapos niyang pagtiwalaan. “Kayong mga lalaki sa Moab, paano ninyo masasabing kayo'y mga bayani, at mga matatapang na mandirigma? Dumating na ang wawasak sa Moab at sa kanyang mga lunsod, at ang magigiting niyang kabataan ay masasawi.” Ito ang pahayag ng Hari na ang pangalan ay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Nalalapit na ang pagbagsak ng Moab, mabilis na dumarating ang kanyang pagkawasak. Magdalamhati kayo dahil sa kanya, mga karatig-bayan, at kayong lahat na nakakakilala sa kanya; sabihin ninyo, ‘Nabali ang matibay na setro, ang setro ng karangalan at kapangyarihan.’ Kayong mga taga-Dibon, bumabâ kayo mula sa inyong kataasan at maupo kayo sa tigang na lupa, sapagkat dumating na ang wawasak sa Moab at iniwang wasak ang inyong mga tanggulan. Kayong naninirahan sa Aroer, tumayo kayo sa tabing-daan at magmasid, tanungin ninyo ang mga lalaking tumatakbo, ang babaing tumatakas, ‘Ano ang nangyari?’ Ang Moab ay napahiya at nanlupaypay; humiyaw kayo at tumangis, ipahayag ninyo hanggang sa Ilog Arnon na winasak na ang Moab! “At ang hatol ay dumating na sa mga lunsod sa mataas na kapatagan: sa Holon, sa Jaza, sa Mefaat, sa Dibon, sa Nebo, sa Beth-diblataim, sa Kiryataim, sa Bethgamul, sa Bethmeon, sa Keriot, sa Bozra at sa lahat ng lunsod ng Moab, malayo man o malapit. Bagsak na ang kapangyarihan ng Moab at siya'y mahina na ngayon, sabi ni Yahweh.” “Lasingin ninyo ang Moab,” sabi ni Yahweh, “sapagkat naghimagsik siya laban sa akin. Bayaan ninyong siya'y gumulong sa sariling suka, at maging tampulan ng katatawanan. Hindi ba't pinagtawanan mo ang Israel? Itinuring mo sila na parang nahuling kasama ng mga magnanakaw at napapailing ka tuwing siya'y babanggitin mo. “Iwan ninyo ang mga lunsod, at doon kayo manirahan sa kabatuhan, kayong taga-Moab! Tumulad kayo sa kalapating nagpupugad sa gilid ng bangin. Nabalitaan na namin ang kapalaluan ng Moab. Napakayabang niya: mapangmata, palalo, hambog at mapagmataas. Akong si Yahweh ay hindi mapaglilihiman ng kanyang kataasan; pawang kabulaanan ang kanyang sinasabi at ginagawa. Kaya nga, tatangisan ko ang Moab; iiyakan ko ang lahat ng taga-Moab; magdadalamhati ako para sa mga taga-Kir-heres. Tinangisan kita, O baging ng Sibma, nang higit sa pagtangis ko para sa Jazer. Ang mga sanga mo'y lumampas sa dagat, at umabot hanggang sa Jazer; dumaluhong ang maninira sa iyong mga bungangkahoy at ubasan nang panahon ng tag-araw. Napawi na ang kagalakan at kasayahan sa mabungang lupain ng Moab. Pinahinto ko na ang pag-agos ng alak sa pisaan ng alak; wala nang pumipisa rito na may sigawan at katuwaan; ang sigawan ngayon ay hindi na dahil sa kagalakan. “Sumisigaw ang Hesbon at Eleale at ito'y umaabot hanggang sa Jahaz; abot ang kanilang tinig mula sa Zoar hanggang Horonaim at Eglat-selisiya. Sapagkat matutuyo rin pati ang mga tubig sa Nimrim. Papatigilin ko ang pag-aalay sa mga altar sa kaburulan, at ang pagsusunog ng handog sa kanilang mga diyos. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. “Kaya tumatangis ang aking puso dahil sa Moab, gaya ng tunog ng plauta; tumatangis din akong parang plauta dahil sa mga taga-Kir-heres. Wala na ang kayamanang pinagsumikapan nilang ipunin! Inahit ng mga lalaki ang kanilang buhok; gayon din ang kanilang balbas; hiniwaan ang kanilang mga kamay, at nagdamit sila ng damit-panluksa, tanda ng pagdadalamhati. Ang pagtangis ay maririnig mula sa mga bubungan ng bahay sa Moab, at sa malalapad na liwasan niya; sapagkat winasak ko ang Moab, tulad sa isang tapayang wala nang may gusto. Wasak na wasak ang Moab. Sa laki ng kanyang kahihiyan, siya ay naging tampulan ng paghamak at panghihinayang ng lahat ng bansa.” Ganito ang sabi ni Yahweh: “Darating ang isang bansang simbilis ng agila at lulukuban ng kanyang pakpak ang lupain ng Moab. Sasakupin ang mga bayan, babagsak ang lahat ng pader; at sa araw na iyon, manghihina ang mga kawal ng Moab, gaya ng panghihina ng isang babaing malapit nang manganak. Gayon mawawasak ang Moab, at hindi na siya kikilalaning isang bansa; sapagkat naghimagsik siya laban kay Yahweh. Nakaamba na sa Moab ang kapahamakan, ang hukay, at ang bitag. Pagtakbo ng isang tao palayo sa kapahamakan, mahuhulog siya sa hukay; kung siya'y umahon mula rito'y mahuhuli naman siya sa bitag. Lahat ng ito'y mangyayari sa Moab pagdating ng taon ng kanilang pagsusulit. Ito ang sinasabi ni Yahweh. Magtatago sa Hesbon ang mga pagod na pagod na pugante; ito ang lunsod na dating pinamahalaan ni Haring Sihon. Subalit lumaganap ang apoy mula sa palasyo; nilamon ang bayan ng Moab at ang kabundukang pinagkukublihan ng mga taong mahilig sa pakikidigma. Kahabag-habag ka, Moab! Wala na ang diyus-diyosan mong si Quemos, at dinalang-bihag ang iyong mga anak. “Gayunman, pagdating ng araw, ibabalik ko sa dati ang kayamanan ng Moab. Ito ang hatol sa kanya,” ang sabi ni Yahweh. Tungkol naman sa mga Ammonita, ganito ang sinasabi ni Yahweh: “Wala bang mga anak na lalaki si Israel? Wala ba siyang tagapagmana? Kung gayo'y bakit inagawan ng mga sumasamba kay Milcom si Gad, at nanirahan sila sa mga lunsod nito? Kaya nga, darating ang panahon na maririnig ng mga taga-Rabba ang sigaw ng digmaan. Ang lunsod na ito'y iiwang wasak at susunugin ang mga nayon. At mababalik sa Israel ang lupaing inagaw sa kanya. Ito ang sabi ni Yahweh. Tumangis kayo, mga taga-Hesbon, sapagkat wasak na ang Ai! Umiyak kayo, mga kababaihan ng Rabba! Magsuot kayo ng damit-panluksa at manangis kayo. Magpabalik-balik kayo na hinahampas ang sarili! Sapagkat ang diyus-diyosan ninyong si Milcom ay dadalhing-bihag, kasama ang kanyang mga pari at mga pinuno. Huwag ninyong ipagyabang ang inyong mga lakas, kayong walang pananalig. Nagtiwala kayo sa inyong mga kayamanan. Ang sabi ninyo, ‘Walang maaaring lumaban sa amin!’ Padadalhan ko kayo ng katatakutan; kayo'y itataboy ng lahat ng nasa palibot ninyo. Bawat isa'y tutugisin, at walang magtitipon sa mga pugante. “Subalit pagkaraan nito, ibabalik kong muli ang kayamanan ng mga Ammonita,” ang sabi ni Yahweh. Tungkol sa Edom, ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Wala na bang masumpungang marunong sa Teman? Hindi na ba nagpapayo ang mga tagapayo doon? Napawi na ba ang kanilang karunungan? Mga taga-Dedan, tumakas kayo at magtago! Ipararanas ko sa inyo ang kapahamakang inabot ni Esau nang siya'y aking parusahan. Kung namimitas ng mga ubas, tiyak na may naiiwan. Kung sumasalakay sa gabi ang mga magnanakaw, kinukuha lamang nila ang magustuhan. Subalit inubos ko ang kayamanan ni Esau, inilantad ko ang kanyang mga taguan, kaya wala na siyang mapagtataguan kahit saan. Nilipol na ang kanyang mga anak, mga kapatid, gayon din ang kanyang mga kapitbahay. Ako ang kakalinga sa inyong mga anak na naulila sa ama. Ang inyong mga babaing balo ay makakaasa sa akin.” Sapagkat sabi ni Yahweh, “Kahit ang hindi nararapat parusahan ay paiinumin din sa baso ng kaparusahan. Kayo lamang ba ang hindi paparusahan? Hindi! Dapat din kayong uminom! Isinumpa ko sa aking sarili, na ang Bozra ay magiging katatakutan, isang disyerto, tampulan ng paghamak at gagamitin sa pagsumpa. Ang lahat ng nayon sa palibot nito ay mananatiling wasak habang panahon. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.” Narinig ko ang pahayag na ito ni Yahweh. Pinapunta niya sa mga bansa ang isang sugo upang sabihin, “Magsama-sama kayo at salakayin siya. Humanda kayong makipagdigma! Ikaw ay gagawin niyang mahinang bansa, tampulan ng paghamak ng lahat. Dinaya kayo ng inyong kapalaluan at kataasan. Walang natatakot sa inyo, tulad ng akala ninyo, kayo na nakatira sa mga guwang ng kabatuhan, at nagkukuta sa mataas na kaburulan. Ngunit gumawa man kayo ng inyong pugad sa dakong mataas, gaya ng agila, kayo'y aking ibababâ. Ito ang salita ni Yahweh.” Sinabi pa ni Yahweh: “Ang Edom ay magiging malagim na tanawin; mangingilabot at masisindak ang lahat ng magdaraan doon. Siya'y ibinagsak, gaya ng Sodoma at Gomorra, at mga kalapit na bansa. Walang sinumang maninirahan doon. Masdan ninyo, tulad ng leong nanggagaling sa kagubatan ng Jordan at patungo sa luntiang pastulan, hahabulin ko ang mga taga-Edom at sila'y magtatakbuhan. Pamamahalaan sila ng sinumang pinunong aking pipiliin. Sino ang katulad ko? Sino ang aking kapantay? Sinong pinuno ang makakalaban sa akin? Kaya pakinggan ninyo ang buong layunin ni Yahweh laban sa Edom at lahat ng kanyang balak laban sa taga-Teman: Pati ang maliliit na bata ay kukunin, at masisindak ang lahat. Sa tindi ng pagbagsak ng Edom ay mayayanig ang daigdig; tatangis ang lupa at maririnig hanggang sa Dagat na Pula. Ang kaaway ay lulusob sa Bozra, parang isang agila na biglang mandaragit. Sa araw na iyon, matatakot ang mga kawal ng Edom, tulad ng pagkatakot ng isang babaing malapit nang manganak.” Tungkol sa Damasco, ito naman ang sabi ni Yahweh: “Nagugulo ang Hamat at ang Arpad, sapagkat nakarinig sila ng masamang balita. Hindi sila mapalagay dahil sa pag-aalala, sila'y tila nag-aalimpuyong dagat. Natakot ang Damasco at tumakas; sinaklot siya ng pangamba, gaya ng pagdaramdam ng isang babaing manganganak. Napakalungkot ngayon ng bayang dati'y puspos ng galak at awitan, ang dating masayang bayan. Kaya nga, mabubuwal sa kanyang lansangan ang mga binata, at magiging malamig na bangkay ang lahat ng kanyang mandirigma sa araw na iyon. Tutupukin ko ang pader ng Damasco, maging ang mga palasyo ni Haring Ben-hadad.” Tungkol sa Kedar at sa mga kaharian ng Hazor na nasakop ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia, ganito ang sabi ni Yahweh: “Magbangon kayo, salakayin ninyo ang Kedar! Lipulin ninyo ang mga naninirahan sa silanganan! Kunin ninyo ang kanilang mga tolda at mga kawan, ang mga kurtina, ang mga kasangkapang naroon at ang mga kamelyo. Sabihin ninyo sa mga tao, ‘Nakakapangilabot sa lahat ng dako!’ “Kayong mga taga-Hazor, tumakas kayo at lumayo! Magtago kayo sa mga liblib na lugar, sapagkat may balak laban sa inyo si Haring Nebucadnezar ng Babilonia; may nabuo na siyang layunin laban sa inyo,” sabi ni Yahweh. “Bumangon kayo, at salakayin ang isang bansang namumuhay na payapa at sagana, na walang kandado ang mga pintuang-bayan at nag-iisang namumuhay. “Sasamsamin ang kanilang mga kamelyo at mga baka. Pangangalatin ko sa disyerto ang mga nagpaputol ng buhok. Darating ang kapahamakan sa lahat ng panig,” sabi ni Yahweh. “Magiging tirahan ng mga asong-gubat ang Hazor at ito'y mananatiling tiwangwang. Wala nang taong maninirahan doon, o makikipamayan sa kanila.” Tinanggap ni Propeta Jeremias ang pahayag ni Yahweh tungkol sa Elam, nang magpasimulang maghari si Zedekias sa Juda. Ganito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Babaliin ko ang pana ng Elam, ang pangunahing sandatang sagisag ng kanilang lakas; paiihipin ko ang hangin mula sa lahat ng panig ng kalangitan at pangangalatin ko sila sa lahat ng dako. Masisindak ang mga taga-Elam sa harap ng kanilang kalaban; padadalhan ko sila ng kapahamakan dahil sa matinding galit ko. Ipadadala ko sa kanila ang tabak hanggang malipol silang lahat; at itatayo ko sa Elam ang aking trono. Lilipulin ko ang kanilang hari at mga pinuno. Ngunit darating din ang panahon na ibabalik ko ang kayamanan ng Elam. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.” Sa pamamagitan ni Propeta Jeremias ay ipinahayag ni Yahweh ang mangyayari sa Babilonia at sa mga mamamayan nito: “Ipahayag mo sa mga bansa, wala kang ililihim, ikalat mo ang balita: Nasakop na ang Babilonia. Nalagay na sa kahihiyan si Bel, nanlupaypay na si Merodac, mga diyus-diyosan sa Babilonia. “Sapagkat isang bansang mula sa hilaga ang sumalakay sa kanya; gagawing isang disyerto ang kanyang lupain at walang tao o hayop na maninirahan doon.” Sinabi ni Yahweh, “Pagdating ng panahong iyon, lumuluhang magsasama-sama ang mga taga-Israel at mga taga-Juda at hahanapin nila ako na kanilang Diyos. Ipagtatanong nila ang daan patungo sa Zion, pupunta sila roon upang makipagkaisa kay Yahweh sa isang kasunduang kanilang tutuparin habang panahon. “Ang aking bayan ay parang mga tupang naligaw, sapagkat pinabayaan sila ng kanilang mga pastol. Kaya lumayo sila at tumakbong papunta sa kabundukan; tinahak nila ang bundok at burol at nakalimutang magbalik sa kulungan. Nilapa sila ng nakatagpo sa kanila. Ang sabi ng kanilang mga kaaway, ‘Wala kaming kasalanan, sapagkat nagkasala sila laban kay Yahweh, ang tunay na pastol at siyang pag-asa ng lahat ng kanilang mga ninuno.’ “Takasan ninyo ang Babilonia, lisanin ninyo ang bansang iyan; kayo ang maunang umalis, gaya ng mga barakong kambing na nangunguna sa kawan. Sapagkat susulsulan ko ang malalakas na bansa upang salakayin ang Babilonia; magmumula sila sa hilaga, upang bihagin siya. Sila'y mga bihasang mandirigma at walang mintis kung pumana. Sasamsaman ng mga gamit ang mga taga-Babilonia, at mananagana ang lahat ng makakakuha.” Ito ang sabi ni Yahweh. “Bagama't kayo'y nagkakatuwaan at nagkakasayahan, kayong kumuha ng aking mana, bagama't nagwala kayong gaya ng babaing baka sa damuhan, at humalinghing na parang kabayong lalaki, malalagay sa ganap na kahihiyan ang inyong ina na nagsilang sa inyo; siya ang magiging pinakahuli sa mga bansa, isang tigang na lupain na parang disyerto. Wala nang maninirahan sa kanya dahil sa poot ni Yahweh, siya'y isang lunsod na wasak. Lahat ng magdaraan doon ay magtataka at mangingilabot sa nangyari sa kanya. “Humanay kayo sa palibot ng Babilonia, humanda kayong mga manunudla; patamaan ninyo siya at huwag magsasayang ng palaso sapagkat siya'y nagkasala laban kay Yahweh. Humiyaw kayo ng pagtatagumpay laban sa kanya; siya'y sumuko na. Bumagsak na ang kanyang mga pader at nadurog. Ito ang ganti ni Yahweh: maghiganti rin kayo sa kanya, gawin ninyo sa kanya ang tulad ng kanyang ginawa. Pigilin ang bawat manghahasik sa Babilonia, gayon din ang bawat mang-aaning may dalang karit. Sa matinding takot sa tabak ng manlulupig, bawat isa'y tatakas at babalik sa sariling lupain.” Ang Israel ay parang kawan ng tupa, hinahanap at hinahabol ng mga leon. Ang hari ng Asiria ang unang lumapa sa kanya, at ngayon ang haring si Nebucadnezar ng Babilonia ang huling kumagat sa kanyang mga buto. Kaya nga, ganito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel: “Paparusahan ko si Nebucadnezar, ang hari ng Babilonia at ang kanyang bayan, tulad ng pagpaparusa ko sa hari ng Asiria. Ibabalik ko ang Israel sa kanyang pastulan, at manginginain siya sa bundok ng Carmelo at sa kapatagan ng Bashan; sa kaburulan ng Efraim at Gilead ay mabubusog siya. Darating ang araw na lubusang mapapawi ang kasamaan ng Israel at ng Juda, sapagkat patatawarin ko ang nalabi na aking iniligtas.” Ang sabi ni Yahweh, “Salakayin ninyo ang lupain ng Merataim; pati ang mga taga-Pekod, patayin at lipulin ninyo silang lahat; gawin ninyo ang lahat ng iniutos ko sa inyo. Narinig sa buong lupain ang ingay ng digmaan at ang matinding pagwasak. Ang Babilonia'y kinatakutan sapagkat pinukpok niya at dinurog ang mga bansa. Ngunit ngayon, ang pamukpok na iyon ay putol na at sira. Nagimbal ang mga bansa sa nangyari sa kanya. Naghanda ka ng bitag para sa iyong sarili at ikaw ay nahulog, ngunit hindi mo alam. Natagpuan ka at nahuli, sapagkat lumaban ka kay Yahweh. Binuksan ni Yahweh ang taguan ng mga sandata at inilabas ang mga sandata dahil sa kanyang poot; sapagkat may gagawin si Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon, sa lupain ng Babilonia. Paligiran ninyo siya at salakayin! Buksan ninyo ang kanyang mga kamalig, ibunton ang mga nasamsam. Lipulin ninyo sila at huwag magtitira kahit isa. “Patayin ninyo ang lahat ng kanyang mandirigma. Kahabag-habag sila, sapagkat dumating na ang araw, ang panahon ng pagpaparusa sa kanila.” Naririnig ko ang yabag ng mga tumatakas mula sa lupain ng Babilonia upang ipahayag sa Zion ang paghihiganti ni Yahweh para sa kanyang templo. Sabi ni Yahweh, “Tawagin ninyo ang lahat ng mamamana upang salakayin ang Babilonia. Magkuta kayo sa palibot niya; huwag ninyong pabayaang may makatakas. Gantihan ninyo siya ayon sa kanyang ginawa, gawin sa kanya ang lahat ng kanyang ginawa; sapagkat buong pagmamalaki niyang sinuway si Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel. Kaya nga, mabubuwal sa kanyang mga lansangan ang mga kabataang lalaki, lilipulin sa araw na iyon ang lahat ng kanyang mandirigma.” Sabi ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon, “Ako'y laban sa iyo sapagkat ikaw ay palalo; dumating na ang araw ng pagpaparusa sa iyo. Ang palalo'y madadapa at babagsak, at walang magbabangon sa kanya. Susunugin ko ang iyong mga lunsod, at tutupukin nito ang lahat ng nasa palibot mo.” Ganito ang sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Magkasamang inapi ang mga taga-Israel at mga taga-Juda; hawak silang mahigpit ng mga bumihag sa kanila at ayaw silang palayain. Ngunit makapangyarihan ang kanilang Manunubos; ang pangalan niya'y Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, siya ang makikipaglaban para sa kanila upang bigyan sila ng kapayapaan. Ngunit kaguluhan ang ipadadala niya sa mga mamamayan ng Babilonia.” Sinasabi ni Yahweh, “Nakaamba ang isang tabak laban sa mga hukbo ng Babilonia, laban sa naninirahan sa Babilonia at sa kanyang mga pinuno at mga matatalino. Ito'y nakaamba sa kanyang mga bulaang propeta, at naging mga mangmang sila. Ito'y nakaamba sa kanyang mga mandirigma, upang lipulin sila! Nakaamba ang tabak laban sa kanyang mga kabayo at sa mga karwahe at sa lahat ng hukbo upang panghinaan sila ng loob. Ang lahat ng kanyang kayamanan ay sasamsamin! Matutuyo ang lahat ng kanyang katubigan. Sapagkat ito'y lupain ng mga diyus-diyosan, na luminlang sa mga tao. “Kaya nga, ang maninirahan doon ay mababangis na hayop at mga asong-gubat, gayon din ang mga dambuhalang ibon. Wala nang taong maninirahan doon habang panahon, at hindi na ito pamamayanan ng alinmang lahi. Kung paanong winasak ng Diyos ang Sodoma at Gomorra, at ang mga lunsod na karatig nila, sinasabi ni Yahweh na wala nang maninirahan doon, o makikipamayan sa kanya. “Masdan mo, may dumarating mula sa hilaga; isang bansang makapangyarihan. Maraming hari ang nagbabangon mula sa malayong panig ng daigdig. May mga dala silang busog at sibat, sila'y malulupit at walang habag. Nakasakay sila sa mga kabayo. Ang kanilang mga yabag ay parang ugong ng dagat. Nakahanda sila laban sa Babilonia. Nabalitaan na ng hari ng Babilonia ang tungkol sa kanila, at siya'y nanlupaypay; sinaklot siya ng pagkabalisa, at ng sakit na tulad ng nararamdaman ng isang babaing manganganak. “Masdan mo, gaya ng isang leong lumalabas sa kagubatan ng Jordan upang sumalakay sa isang matibay na kulungan ng mga tupa, bigla ko silang itataboy. At pipili ako ng mangunguna sa bansa. Wala akong katulad. Wala akong kapantay. Walang haring makakalaban sa akin. Kaya, pakinggan ninyo ang binabalak ni Yahweh laban sa Babilonia at sa mga mamamayan nito: Ang mga batang tupa sa kawan ay aagawin, masisindak sa mangyayari sa kanila ang kanilang mga pastol. Mayayanig ang lupa sa ingay ng pagbihag sa Babilonia, at ang kanyang pagtangis ay maririnig ng mga bansa.” Sinabi ni Yahweh, “Makinig kayo, magpapadala ako ng isang tagapagwasak ng Babilonia at ng mga hukbo nito. Magsusugo ako sa Babilonia ng mga dayuhang wawasak dito na tulad sa malakas na hanging tumatangay sa ipa. Sa araw na iyon ng kanyang kapahamakan, iiwan nilang walang laman ang lupain paglusob nila mula sa lahat ng panig. Huwag ninyong hayaang mahatak ng mamamana ang kanyang busog, o maisuot ang kanyang kasuotang pandigma. Huwag ninyong paliligtasin ang sinuman sa mga binata; lipulin ninyo ang lahat ng kawal. Bayaan ninyong mahandusay sila sa lansangan ng Babilonia; patay at mga sugatan sa gitna ng lansangan. Sapagkat ang Israel at ang Juda ay hindi pinabayaan ng kanilang Diyos na si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat; subalit ang lupain nila ay punô ng kasalanan laban sa Banal na Diyos ng Israel. Takasan ninyo ang Babilonia, iligtas ninyo ang inyong sarili, kung hindi'y makakasama kayo sa pagpaparusa sa kanyang kasalanan; sapagkat ito'y panahon ng paghihiganti ni Yahweh, at ipalalasap sa kanya ang ganap niyang kaparusahan. Ang Babilonia ay isang gintong kopa sa kamay ni Yahweh, upang lasingin ang buong sanlibutan. Ininom ng mga bansa ang kanyang alak, kaya sila'y nalasing. Bigla ang pagbagsak at pagkasira ng Babilonia. Iyakan ninyo siya. Kumuha kayo ng panlunas para sa kanyang sugat; baka siya'y gumaling pa. Gagamutin sana namin ang Babilonia, ngunit huli na ang lahat. Iwan na natin siya at magsiuwian na tayo sa ating mga bayan; sapagkat abot na hanggang langit ang kanyang kapahamakan.” Tayo'y pinawalang-sala ni Yahweh; halikayo, ipahayag natin sa Zion ang ginawa ng ating Diyos. Ihasa ang mga pana, ihanda ang mga kalasag. Ginising ni Yahweh ang damdamin ng mga hari ng Media sapagkat balak niyang wasakin ang Babilonia, bilang paghihiganti ni Yahweh dahil sa pagwasak sa kanyang Templo. Itaas ninyo ang watawat laban sa mga kuta ng Babilonia. Higpitan ninyo ang pagbabantay; magtakda kayo ng mga bantay. Humanda kayong sumalakay, sapagkat binalak at ginawa ni Yahweh ang sinabi niya tungkol sa Babilonia. Kayong naninirahan sa tabi ng maraming ilog, na sagana sa kayamanan, dumating na ang inyong wakas; tiyak na ang inyong kasasapitan. Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ay sumumpa; ang sabi niya: “Ang Babilonia ay ipasasalakay ko sa makapal na tao tulad ng mga umaatakeng balang; at isisigaw nila ang tagumpay laban sa iyo.” Ang Diyos ang lumikha ng sanlibutan sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Inayos niya ang daigdig ayon sa kanyang karunungan; iniladlad niya ang mga langit ayon sa kanyang kaunawaan. Sa dagundong ng kanyang tinig, umuugong ang tubig sa kalangitan; pinaiilanlang niya ang mga hamog mula sa mga sulok ng sanlibutan. Pinakikislap niya ang mga kidlat sa gitna ng ulan, at pinalalabas niya sa taguan ang mga hangin. Sa ganitong kalagayan ay magiging mangmang at walang kaalaman ang lahat ng tao. Bawat panday ay inilalagay sa kahihiyan ng nililok niyang diyus-diyosan; sapagkat hindi tunay na diyos at walang buhay ang kanyang ginawa. Walang kabuluhan ang mga iyon, at dapat sumpain malilipol sila pagdating ng araw ng pagpaparusa sa kanila. Ang Diyos ni Jacob ay hindi gaya ng mga ito; sapagkat siya ang lumikha ng lahat, at ang Israel ang hinirang niya; Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang pangalan niya. Ikaw ang aking martilyo at sandatang pandigma; sa pamamagitan mo'y dudurugin ko ang mga bansa; sa pamamagitan mo'y ibabagsak ko ang mga kaharian. Sa pamamagitan mo'y aking wawasakin ang mga hukbong nakakabayo, at ang mga hukbong nakakarwahe, ang lalaki at ang babae, ang bata at ang matanda, ang binata at ang dalaga, ang pastol at ang kawan, ang magsasaka at ang katulong na mga baka, ang mga tagapamahala at ang mga kinatawan. “Paparusahan ko sa harap ninyo ang Babilonia at ang mga mamamayan nito dahil sa mga kasamaang ginawa niya sa Zion,” sabi ni Yahweh. “Ako'y galit sa iyo, ikaw na mapangwasak na bundok. Winasak mo ang buong sanlibutan. Paparusahan kita. Gugulong kang pababa mula sa kabatuhan, at gagawin kitang bundok na tinupok. Walang batong makukuha sa iyo upang gawing panulok, o kaya'y pundasyon. Sa halip, mananatili kang wasak habang panahon. Itaas ninyo sa lupain ang isang bandila, iparinig ninyo sa mga bansa ang pag-ihip ng trumpeta. Pahandain ang mga bansa para digmain siya; tawagin ang mga kahariang laban sa kanya—ang Ararat, ang Mini at ang Askenaz. Pumili kayo ng pinuno laban sa kanya, magpadala kayo ng mga kabayo na kasindami ng mga uod na nagiging balang. Humanda sa paglaban sa kanya ang mga bansa, ang mga hari sa Medo, kasama ang kanilang mga pinuno't kinatawan, at ang bawat lupaing nasasakupan nila. Nanginginig at namimilipit sa sakit ang lupain, sapagkat hindi nagbabago ang pasya ni Yahweh laban sa Babilonia. Sisirain niya ang lupaing ito; wala nang maninirahan dito. Tumigil na sa pakikipaglaban ang mga mandirigma ng Babilonia, at nanatili sa kanilang kuta. Sila'y pinanghinaan na ng loob na parang mga babae. Sinunog na ang kanilang mga tahanan, nawasak na ang kanilang mga pintuan. Nagkakasalubong sa pagtakbo ang mga inutusan. Sinasalubong ng isang sugo ang kanyang kapwa sugo. Sasabihin nila sa hari ng Babilonia na nasakop na ang lahat ng panig ng kanyang lunsod. Naagaw ang mga tawiran. Sinunog ang mga kuta. Sindak na sindak ang mga kawal. Ang Babilonia ay parang giikang niyayapakan. Sandali na lamang at darating na ang panahon ng pag-ani sa kanya.” Ang Jerusalem ay kinatay at nilamon ng Babilonia. Ginawa niya itong parang sisidlang walang laman. Para siyang dambuhala at ako'y nilulon. Kinuha ang magustuhan at itinapon ang iba. Sabihin ninyong mga taga-Zion, “Mangyari sa Babilonia ang karahasang ginawa niya sa amin.” Sabihin naman ninyong mga taga-Jerusalem, “Pananagutan niya ang paghihirap na tiniis namin.” Kaya sinabi ni Yahweh sa Jerusalem, “Ipagtatanggol kita at ipaghihiganti. Tutuyuin ko ang kanyang dagat at bukal. Wawasakin ko ang Babilonia. Ito'y gagawing tirahan na lang ng mga asong-gubat, magiging isang katatakutan at tampulan ng paghamak. Wala na ring maninirahan doon. Sila'y uungal na parang mga leon. At dahil sila'y mga ganid, ipaghahanda ko sila ng isang handaan, at lalasingin ko, hanggang mawalan sila ng malay; mahimbing sa pagtulog habang panahon, at hindi na magising.” Dadalhin ko silang gaya ng mga tupang patungo sa katayan, at gaya rin ng mga lalaking tupa at barakong kambing. “Nasakop ang Babilonia, naagaw ang lupaing hinahangaan ng buong sanlibutan. Nakakapangilabot tingnan ang kinasapitan niya! Tumaas ang tubig ng dagat at natabunan ng nagngangalit na alon ang Babilonia. Kinatakutan ang kanyang mga lunsod. Natuyo ang kanyang lupain na parang disyerto; ayaw panirahan, o daanan man ng sinumang tao. Paparusahan ko si Bel, ang diyos ng Babilonia, at dudukutin sa kanyang bibig ang mga nalulon niya. Hindi na siya pupuntahan ng mga bansa. Bumagsak na ang pader ng Babilonia. Bayan ko, lisanin ninyo siya! Iligtas ng bawat isa ang kanyang sarili mula sa matinding galit ni Yahweh! Huwag manghina ang inyong loob, at huwag kayong matakot sa balitang kumakalat sa lupain; may mapapabalita sa loob ng isang taon, iba't iba bawat taon. Balita tungkol sa karahasan o mga pinuno laban sa pinuno. Kaya darating ang panahon na paparusahan ko ang mga diyus-diyosan ng Babilonia. Mapapahiya ang buong lupaing ito, at mapapatay ang lahat ng mamamayan niya. Kung magkagayon, ang langit at ang lupa at lahat ng naroroon ay aawit sa kagalakan dahil sa Babilonia; sapagkat sasalakayin siya ng mga tagawasak mula sa hilaga,” sabi ni Yahweh. “Dapat ibagsak ang Babilonia bilang kapalit ng mga napatay sa Israel; sapagkat ang Babilonia ang dahilan ng mga napatay sa buong sanlibutan.” Sinabi ni Yahweh sa mga Israelita na bihag sa Babilonia, “Kayong nakaligtas sa kamatayan, magpatuloy kayo at huwag kayong titigil! Alalahanin ninyo si Yahweh kung kayo'y nasa malayong lugar na, gayundin ang Jerusalem. Kami'y napahiya dahil nakarinig kami ng paghamak. Nalagay kami sa kahiya-hiyang katayuan sapagkat dumating ang mga dayuhan at pumasok sa banal na dako sa bahay ni Yahweh. Makikita ninyo, darating ang panahong paparusahan ko ang kanyang mga diyus-diyosan; maririnig ang daing ng mga sugatan sa buong lupain. Kahit na maabot ng Babilonia ang langit, kahit tibayan niya ang kanyang kuta, darating pa rin ang wawasak sa kanya.” Sinabi pa ni Yahweh, “Pakinggan ninyo ang iyakan mula sa Babilonia, ang panaghoy dahil sa kanyang pagkawasak. Sapagkat ginigiba ni Yahweh ang Babilonia, at pinatatahimik ang kanyang malakas na sigaw. Ang kanyang mga alon ay parang ugong ng malakas na tubig, matining ang alingawngaw ng kanilang tinig. Sumalakay na sa Babilonia ang tagawasak. Binihag ang kanyang mga mandirigma. Pinagbabali ang kanilang mga pana sapagkat si Yahweh ay Diyos na gumaganti, magbabayad siya nang buo. Lalasingin ko ang kanyang mga pinuno at mga matatalino, ang kanyang mga tagapamahala, tagapag-utos at mandirigma. Mahihimbing sila habang panahon at hindi na magigising.” Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Ang malawak na pader ng Babilonia ay mawawasak at masusunog ang matataas niyang pintuang-bayan. Nagpapakahirap sa walang kabuluhan ang mga tao. Pinapagod nila ang kanilang sarili para mauwi lamang sa apoy.” Ito naman ang iniutos ng Propeta Jeremias sa punong eunuko na si Seraias, ang anak ni Nerias at apo ni Maasias, nang siya'y magpunta sa Babilonia, kasama ni Haring Zedekias ng Juda, noong ikaapat na taon ng paghahari nito. Itinala ni Jeremias sa isang kasulatan ang lahat ng kapahamakang darating sa Babilonia, at lahat ng bagay na nasulat tungkol dito. Ang sabi ni Jeremias kay Seraias: “Basahin mong lahat ang nakasulat dito pagdating mo sa Babilonia. Pagkatapos ay sabihin mo, ‘Yahweh, sinabi mong ang lupaing ito'y iyong wawasakin. Wala nang maninirahan dito, maging tao o hayop, at mananatili itong wasak habang panahon.’ Pagkabasa mo sa kasulatang ito, itali mo sa isang bato at ihagis sa gitna ng Ilog Eufrates, sabay ang pagsasabing, ‘Gayon lulubog ang Babilonia, at hindi na lilitaw, dahil sa parusang ipadadala ko sa kanya.’” Hanggang dito ang mga pahayag na natipon ni Jeremias. Si Zedekias ay dalawampu't isang taóng gulang nang maging hari sa Juda, at labing-isang taóng naghari sa Jerusalem. Ang kanyang ina'y si Hamutal, anak ni Jeremias ng Libna. Tulad ng masamang ginawa ni Jehoiakim, ginawa rin niya ang mga bagay na hindi kalugud-lugod kay Yahweh. Nagalit si Yahweh sa Jerusalem at sa Juda kaya sila'y itinakwil niya. At si Zedekias ay naghimagsik laban sa hari ng Babilonia. Noong ikasiyam na taon ng kanyang paghahari, ikasampung araw ng ikasampung buwan, sumalakay sa Jerusalem ang buong hukbo ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Kinubkob nila iyon, at nagtayo sila ng mga toreng bantayan sa palibot. Ang pagkubkob ay tumagal hanggang sa ika-11 taon ng paghahari ni Zedekias. Noong ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan ng taóng iyon, nagkaroon ng matinding taggutom sa lunsod. Walang makain ang mga mamamayan. Nang makita ito ni Haring Zedekias, gumawa sila ng butas sa pader ng lunsod at tumakas nang gabing iyon kasama ang mga sundalo. Dumaan sila sa pintuang-bayan sa pagitan ng dalawang pader, malapit sa hardin ng hari. Nakatakas sila patungong Araba, kahit napapaligiran ng mga hukbo ng Babilonia ang buong lunsod. Ngunit hinabol ng hukbo ng Babilonia ang hari, at inabutan si Zedekias sa kapatagan ng Jerico; nagkawatak-watak ang kanyang mga kasama at iniwan siya. Binihag ang hari at dinala sa hari ng Babilonia na noo'y nasa Ribla, sa lupain ng Hamat. Doon siya hinatulan. Pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak na lalaki ni Zedekias sa harapan niya. Pinatay rin sa Ribla ang lahat ng pinuno ng Juda. Pagkatapos, dinukit ng hari ang mga mata ni Zedekias, ginapos, dinala sa Babilonia, at ibinilanggo hanggang sa araw ng kanyang kamatayan. Noong ikasampung araw ng ikalimang buwan, ng ikalabing siyam na taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia, si Nebuzaradan, kapitan ng mga bantay ng hari, ay nagpunta sa Jerusalem. Sinunog niya ang Templo ni Yahweh, ang palasyo ng hari, at lahat ng mga bahay doon, pati ang mga tahanan ng mga kilalang tao. Ang pader sa palibot ng Jerusalem ay iginuho ng mga sundalo ng Babilonia sa pangunguna ng kapitan ng mga bantay. Binihag ni Nebuzaradan ang mga taong nalabi sa lunsod, ang mga tumakas patungo sa hari ng Babilonia at ang mga nalabi sa mga manggagawa. Subalit iniwan niya ang ilan sa pinakamahihirap sa lupain upang magtrabaho sa mga ubasan at bukirin. Sinira nilang lahat ang mga haliging tanso sa Templo ni Yahweh, pati ang tuntungan at ang malaking lalagyan ng tubig na tinatawag na dagat-dagatang tanso, at dinala nila sa Babilonia ang mga tinunaw na tanso. Kinuha rin nila ang mga palayok, pala, gunting, mangkok, kutsara at lahat ng sisidlang tanso na gamit sa paglilingkod sa Templo. Kinuha rin ng kapitan ng mga bantay ang mga kopa, apuyan, mangkok, palayok, kandelero, kutsara at tasang yari sa ginto at pilak. Hindi na makayang timbangin ang tanso ng dalawang haligi, ng dagat-dagatang nasa ilalim ng tuntungan, at ng labindalawang hugis-bakang tuntungan. Ang mga ito'y ipinagawa ni Haring Solomon para sa bahay ni Yahweh. Ang isa sa mga haligi'y walong metro ang taas at lima't kalahating metro ang bilog. Walang laman ang loob nito ngunit apat na daliri ang kapal ng tanso niyon. Ito'y may kapitel na tanso rin, dalawa't kalahating metro ang taas. May palamuti itong parang lambat at mga prutas na granada sa palibot. Ang lahat ng ito'y yari sa tanso. Ang isa pang haligi, na may mga palamuti ring granada ay kahawig ng unang haligi. May siyamnapu't anim na lahat ang palamuting granada na nakikita, ngunit isandaang lahat ang nagawa na makikita sa buong palibot. Kinuha ng kapitan ng mga bantay ang punong paring si Seraias, at si Zepanaias, ang pangalawang pari, pati ang tatlong pinuno sa Templo. Kumuha rin siya sa lunsod ng isang pinuno na mamamahala sa mga mandirigma, pitong lalaki sa konseho ng hari na naroon pa sa lunsod, isang kalihim ng kapitan at siyang nagsasanay sa mga tao para sa pakikidigma, at may animnapung lalaking naroroon pa rin. Sila'y dinala ni Nebuzaradan, sa harapan ng hari ng Babilonia sa Ribla, na nasa lupain ng Hamat, sila'y ipinahampas ng hari ng Babilonia saka ipinapatay. Gayon naging bihag at inalis sa sariling lupain ang taga-Juda. Noong ikadalawampu't limang araw ng ikalabindalawang buwan, ng ikatatlumpu't pitong taon ng pagkakabihag ni Haring Jehoiakin ng Juda, pumalit na hari sa Babilonia si Evil-merodac. Naging mabuti ito kay Haring Jehoiakin ng Juda at pinalabas siya sa bilangguan; pinakitaan ng kagandahang-loob, at binigyan pa ng katungkulang mas mataas kaysa mga haring kasama niya sa Babilonia. Kaya't hinubad na ni Jehoiakin ang kanyang damit-bilanggo, at namuhay sa kalinga ng hari sa natirang mga taon ng kanyang buhay. Araw-araw, ang kanyang pangangailangan ay ibinibigay ng hari ng Babilonia, habang siya'y nabubuhay, hanggang sa araw ng kanyang kamatayan. O anong lungkot ng lunsod na dating matao! Siya na dating bantog sa buong mundo ngayo'y tulad na ng isang balo; siya na dating pangunahing lunsod ngayon ay isa nang lingkod! Buong kapaitan siyang umiiyak sa magdamag, ang mga mata'y laging luhaan; lumayo na ang lahat at walang natira kahit isa upang umaliw sa kanya. Ang dati niyang mga kaibigan ngayon ay naging mga kaaway na. Ang mga taga-Juda'y nabihag at dumanas ng kalungkutan at sapilitang paglilingkod. Sa pananahanan nila sa gitna ng mga bansa'y hindi man lamang sila makapagpahinga. Napapaligiran sila ng mga kaaway, walang paraan para makatakas. Malungkot ang mga landas patungong Jerusalem, pagkat wala nang dumadalo sa kanyang mga takdang kapistahan. Wala nang nagdaraan sa kanyang mga pintuang-bayan; dumaraing at nagbubuntong-hininga ang kanyang mga pari, pinagmamalupitan ang mga dalagang mang-aawit sa templo. Napakapait ng sinapit niya! Naging panginoon niya ang kanyang mga kaaway, pinapaghirap siya ni Yahweh dahil sa marami niyang kasalanan. Wala na ang kanyang mga anak, sila'y dinalang-bihag ng kaaway. Naparam na ang karangyaan ng Jerusalem. Ang kanyang mga pinuno'y parang mga usang di makasumpong ng pastulan; nanghihina na sa pag-iwas sa mga humahabol sa kanila. Ngayong ang mga taga-Jerusalem ay nasa panahon ng pagdadalamhati at paggala, nagugunita nila ang maliligayang araw na nagdaan. Nang mahulog sila sa kamay ng kaaway ay walang sinumang sa kanila'y umalalay; nang sila'y bumagsak, sila'y kinutya ng mga sumakop sa kanila. Mabigat ang nagawang kasalanan ng Jerusalem, kaya't siya'y naging katatawanan; itinatakwil na siya ng mga pumupuri noon sa kanya. Sa matinding kahihiyan mukha'y tinakpan, sa isang sulok nanaghoy na lamang. Ang kanyang karumhan ay di maikakaila, malagim ang kanyang pagbagsak at wala man lamang umaliw sa kanya. Nagtagumpay ang kanyang mga kaaway at siya'y dumulog kay Yahweh. Sinamsam ng mga kaaway ang lahat niyang kayamanan; ang mga di-dapat pumasok na mga taga-ibang bayan, ang banal na Templo'y kanilang nilapastangan. Dumaraing ang lahat ng kanyang mamamayan sa paghahanap ng pagkain; ipinagpapalit nila ng pagkain ang kanilang mga kayamanan para lamang mabuhay. “Yahweh, masdan po ninyo kami. Mahabag ka sa aming kalagayan!” “Wala ba kayong pakialam, mga nagdaraan? Hirap na ganito'y inyo na bang naranasan? Ito'y parusa ni Yahweh dahil sa kanyang matinding poot. “Nagpababa siya ng apoy mula sa itaas; nanuot ito sa aking mga buto; sa nilagay na bitag, doon ako'y nahulog, isang matinding hirap sa aki'y pinalasap. “Inipon niya ang lahat kong pagkakasala at ito'y ipinapasan sa akin; dahil sa bigat nito'y unti-unting nauubos ang aking lakas. Ako'y ibinigay ni Yahweh sa aking mga kalaban at aking sarili'y hindi ko man lang matulungan. “Tinawanan lang ni Yahweh ang magigiting kong kawal. Nagpadala siya ng isang hukbo upang lipulin ang mga kabataang lalaki. Dinurog niya ang buong bayan, parang ubas sa pisaan. “Dahil dito, hindi mapigil ang pagdaloy ng aking luha, walang makaaliw sa akin ni makapagpalakas ng aking loob. Nagtagumpay ang aking kalaban, kawawang mga anak, iniwan silang wasak. “Ako'y nagpasaklolo ngunit walang tumulong sa akin, inatasan ni Yahweh ang mga karatig-bansa upang ako'y gawing isang kawawa, kaya ako'y nagmistulang maruming basahan. “Nasa panig ng katuwiran si Yahweh, ako ang naghimagsik laban sa kanyang salita; ngunit makinig kayo, mga bansa, at tingnan ninyo ang aking paghihirap; binihag ang aking kadalagahan at kabinataan. “Tinawag ko ang aking mga kakampi ngunit hindi nila ako tinulungan; namatay ang aking mga pari at mga pinuno ng lunsod, sa paghahanap ng pagkaing magpapanumbalik ng kanilang lakas. “Masdan mo ako, O Yahweh, sapagkat labis akong nababagabag. Naliligalig ang aking kaluluwa, ako'y lubhang naguguluhan, sapagkat naging mapaghimagsik ako. Kabi-kabila ang patayan, sa loob at labas ng kabahayan. “Pakinggan mo ang aking daing; walang umaaliw sa akin. Natuwa pa nga ang mga kaaway ko sa ginawa mo sa akin. Madaliin mo ang araw na iyong ipinangako, na sila'y magiging gaya ko rin. “Hatulan mo sila sa kanilang kasamaan; pahirapan mo sila, tulad ng pagpapahirap mo sa akin dahil sa aking mga pagsalangsang; napapahimutok ako sa tindi ng hirap at para akong kandilang nauupos.” Sa matinding galit ni Yahweh, ipinahiya niya ang Zion! Ibinagsak niya ang karangalan ng Israel; sa araw ng kanyang poot nakalimutan niyang Zion ang kanyang tuntungan. Walang awang winasak ni Yahweh ang lahat ng nayon ni Jacob; sinira niya ang matitibay na kuta ng Juda; ang kaharian at mga pinuno nito'y kanyang ibinagsak at inilagay sa kahihiyan. Sa tindi ng kanyang galit ay iginupo niya ang hukbo ng Israel; hindi niya kami tinulungan nang dumating ang kaaway. Nag-aalab ang galit niya sa amin, gaya ng paglamon ng apoy sa buong paligid. Para siyang kaaway, tinudla niya kami ng pana, at nilipol ang lahat ng kinalulugdan nami't ipinagmamalaking mamamayan. Ibinuhos niya sa Jerusalem ang tindi ng kanyang galit, parang isang apoy na sa kanya'y tumupok. Tulad ng kaaway, winasak ni Yahweh ang Israel. Giniba niya ang mga palasyo at lahat ng kuta; inilagay niya ang Juda sa walang katapusang pagdadalamhati. Pinaguho niya ang tabernakulo nito gaya ng isang halamanan; winakasan ni Yahweh ang mga itinakdang pista at Araw ng Pamamahinga, at itinakwil niya ang mga hari at mga pari dahil ang kanyang galit ay matindi. Itinakwil ni Yahweh ang kanyang altar, tinalikuran ang kanyang templo; ipinagiba niya sa mga kaaway ang mga pader nito. Dahil sa kanilang tagumpay, nagkaingay sa tuwa ang mga kaaway sa lugar na dati'y buong galak naming pinagdarausan ng pagsamba. Ipinasya ni Yahweh na wasakin ang pader ng Zion, itinakda niya ang ganap na pagkasira nito; hindi niya iniurong ang kanyang balak na pagwasak. Ngayon, ang muog at ang kuta ay nakaguho. Gumuho na rin ang mga pintuang-bayan, bali ang mga panara nito, pati na rin ang mga tarangkahan. Nangalat sa mga bansa ang kanyang hari at mga pinuno; wala nang kautusang umiiral, at wala na ring pangitain mula kay Yahweh ang kanyang mga propeta. Tahimik na nakalugmok sa lupa ang pinuno ng Jerusalem; naglagay sila ng abo sa ulo at nakasuot ng damit-panluksa. Ang mga dalaga sa Jerusalem ay nakaluhod, ang mukha'y halos sayad sa lupa. Namumugto ang mga mata ko sa kaiiyak. Bagbag na bagbag ang aking kalooban. Matindi ang pagdadalamhati ko dahil sa kapahamakang sinapit ng aking bayan; nakahandusay sa mga lansangan ang mga bata at ang mga sanggol. Nag-iiyakan sila at patuloy na humihingi ng pagkain at inumin. Nanlulupaypay sila na parang mga sugatan sa mga lansangan. Unti-unting nangangapos ang mga hininga sa kandungan ng kanilang mga ina. Ano ang masasabi ko sa iyo, O Jerusalem, Jerusalem, lunsod na pinakamamahal ko? Saan kita maitutulad upang ika'y aking maaliw? Sapagkat sinlawak ng dagat ang iyong kasiraan; tila wala nang pag-asa. Ang sinasabi ng inyong mga propeta ay pawang kasinungalingan. Dinadaya nila kayo sa hindi nila paglalantad ng inyong kasamaan. Pinapaniwala nila kayo na hindi na ninyo kailangang magsisi sa inyong mga kasalanan. O lunsod ng Jerusalem, hinahamak ka't pinagtatawanan ng lahat ng nagdaraan. Sinasabi nila, “Ito ba ang lunsod na huwaran ng kagandahan? Ito ba ang kagalakan ng lahat ng bansa?” Iniismiran ka ng iyong mga kaaway at kanilang sinasabi, “Nawasak na rin natin siya! Sa wakas bumagsak din siya sa ating mga kamay.” Isinagawa nga ni Yahweh ang kanyang balak; tinupad niya ang kanyang banta. Walang awa niya tayong winasak; pinagtagumpay niya ang ating kaaway at dinulutan ng kagalakan sa paglupig sa atin. Dumaing ka nang malakas kay Yahweh, Jerusalem. Araw-gabi, hayaan mong umagos ang iyong luha gaya ng ilog; huwag kang tumigil sa iyong pag-iyak. Bumangon ka't humiyaw nang paulit-ulit sa magdamag, sa bawat pagsisimula ng oras ng pagbabantay. Tulad ng tubig, ibuhos mo sa harapan ni Yahweh ang laman ng iyong puso! Itaas mo sa kanya ang iyong mga kamay alang-alang sa iyong mga anak; nanlulupaypay sila sa gutom, nakahandusay sa mga lansangan. Yahweh, tingnan mo kung sino ang iyong pinaparusahan. Matuwid bang kainin ng mga babae ang kanilang supling, na sa kanila rin naman nanggaling? O dapat bang patayin sa templo ang pari at ang propeta? Naghambalang sa mga lansangan ang patay, bata't matanda, dalaga't binata. Nilipol mo sila nang araw na ikaw ay magalit; walang awa mo silang pinatay. Aking mga kalaban iyong inanyayahan; tuwang-tuwa sila na para bang nasa pistahan. Kaya ang mga anak kong inaruga sa mga kaaway ko'y pinapuksa, dahil sa araw na iyon galit mo'y matindi. Naranasan ko kung gaano kahirap ang maparusahan ng Diyos. Itinaboy niya ako sa lugar na wala kahit bahagyang liwanag. Walang awa niya akong hinahampas sa buong maghapon. Tadtad ng sugat ang buo kong katawan at bali-bali ang aking mga buto. Ibinilanggo niya ako sa kalungkutan at pagdurusa. Isinadlak niya ako sa kadiliman, laging nasa bingit ng kamatayan. Ginapos niya ako para hindi makatakas, pinalibutan ako ng pader na mataas. Nanambitan man ako at humingi ng tulong, hindi niya dininig ang aking dalangin. Susuray-suray ako sa tindi ng hirap, at kahit saan ako bumaling ay may pader na nakaharang. Siya'y parang osong nag-aabang sa akin; at parang leong nag-aantay. Hinabol niya ako saka niluray; at iniwang nakahandusay. Iniakma niya ang kanyang pana, at ako ang ginawang tudlaan. Tinamaan ako sa aking puso ng kanyang mga palaso. Buong araw ako'y pinagtatawanan; sa mga kwentuhan ako ay biruan. Pawang kapaitan at kalungkutan ang ipinalasap niya sa akin. Inginudngod niya sa lupa ang aking mukha at idinikdik sa bato ang aking bibig. Naglaho sa akin ang bakas ng kalusugan, maging kapayapaan at kaligayahan man. Kaya't sinasabi ko, “Nawala na ang aking lakas at ang aking pag-asa kay Yahweh.” Simpait ng apdo ang alalahanin sa aking paghihirap at kabiguan. Lagi ko itong naaalaala, at ako'y labis na napipighati. Gayunma'y nanunumbalik ang aking pag-asa kapag naalala kong: Pag-ibig mo, Yahweh, ay hindi nagmamaliw; kahabagan mo'y walang kapantay. Ito ay laging sariwa bawat umaga; katapatan mo'y napakadakila. Si Yahweh ay akin, sa kanya ako magtitiwala. Si Yahweh ay mabuti sa mga nananalig at umaasa sa kanya, kaya't pinakamainam ang buong tiyagang umasa sa ating kaligtasang si Yahweh ang may dala. At mabuti sa isang tao na siya'y matutong magtiyaga mula sa kanyang kabataan. Kung siya'y palasapin ng kahirapan, matahimik siyang magtiis at maghintay; siya'y magpakumbabá sa harapan ni Yahweh, at huwag mawalan ng pag-asa. Tanggapin ang lahat ng pananakit at paghamak na kanyang daranasin. Mahabagin si Yahweh at hindi niya tayo itatakwil habang panahon. Bagaman siya'y nagpaparusa, hindi naman nawawala ang kanyang pag-ibig. Hindi niya ikatutuwang tayo'y saktan o pahirapan. Hindi nalilingid kay Yahweh kung naghihirap ang ating kalooban, maging ang ating karapatan, kung tayo'y pagkaitan. Kung ang katarungan ay hayagang tinutuya, siguradong si Yahweh ay hindi magpapabaya. Walang anumang bagay na mangyayari, nang hindi sa kapahintulutan ni Yahweh. Nasa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos ang masama at mabuti. Bakit tayo magrereklamo kapag tayo'y pinaparusahan kung dahil naman ito sa ating mga kasalanan? Siyasatin nati't suriin ang ating pamumuhay, at tayo'y manumbalik kay Yahweh! Dumulog tayo sa Diyos at tayo'y manalangin: “Kami'y nagkasala at naghimagsik, at hindi mo kami pinatawad. “Sa iyong matinding galit ay hinabol mo kami at walang awang pinatay. Ang galit mo'y tila makapal na ulap na hindi malampasan ng aming mga dalangin. Ginawa mo kaming tambakan ng kasamaan ng sanlibutan. “Kinukutya kami ng aming mga kaaway; nagdaan na kami sa pagkawasak at kapahamakan, naranasan namin ang mabingit sa panganib at manginig sa takot. Hindi mapigil ang pagbalong ng aking mga luha, dahil sa kapahamakang sinapit ng aking bayan. “Walang tigil ang pagdaloy ng aking mga luha, hanggang si Yahweh ay tumunghay mula sa langit at kami'y lingapin. Nagdadalamhati ako dahil sa sinapit ng mga kababaihan sa aking lunsod. “Para akong ibong binitag ng aking mga kaaway, gayong wala silang dahilan upang kamuhian ako. Ako'y inihulog nila nang buháy sa isang balon, at tinakpan ng bato ang bunganga nito. Lumubog ako sa tubig, at nasabi ko, ‘Wala na akong pag-asang mabuhay pa.’ “O Yahweh, tinawag ko ang iyong pangalan nang ako'y nasa kailaliman ng balon; narinig mo ang aking samo, ‘Huwag mong takpan ang iyong pandinig sa aking paghingi ng tulong!’ Nilapitan mo ako nang ika'y tawagan ko; sinabi mo sa akin, ‘Huwag kang matakot!’ “Tinulungan mo ako, Yahweh, at iniligtas mo ang aking buhay. Hindi kaila sa iyo ang kasamaang ginawa nila sa akin; bigyan mo ako ng katarungan. Nakita mo ang kanilang paghihiganti at masasamang balak laban sa akin. “Narinig mo, Yahweh, ang pangungutya nila't mga pakana laban sa akin. Nagsasalita at nag-iisip laban sa akin ang mga kaaway ko. Mula umaga hanggang gabi kanilang panunuya'y walang pasintabi. “O Yahweh, parusahan mo sila, ayon sa kanilang ginawa. Kupas na ang kinang ng ginto, nagkalat sa lansangan ang mga bato ng Templo! Ang mga ipinagmamalaking kabinataan ng Jerusalem ay kasinghalaga ng lantay na ginto, ngunit ngayon ay para na lamang putik na hinugisan ng magpapalayok. Kahit mga asong-gubat ay nagpapasuso ng kanilang mga tuta, subalit ang aking bayan ay naging malupit, gaya ng mga ostrits sa kanilang mga inakay. Namamatay sa gutom ang mga batang pasusuhin; namamalimos ang mga bata, ngunit walang magbigay ng pagkain. Ang mga taong dati'y sagana sa pagkain dahil sa gutom ay namatay na rin. Ang dating mayayaman ay naghahalungkat, umaasang sa basurahan ay may mabubulatlat. Ang pagpaparusa sa aking bayan ay higit pa sa sinapit ng Sodoma na sa isang kisap-mata'y winasak ng Diyos. Dati, ang aming mga pinuno ay matuwid at sindalisay ng yelo; sila'y matipuno, malakas at malusog. Ngayo'y mukha nila'y sing-itim ng alkitran, kanilang mga bangkay sa Jerusalem ay naghambalang. Nangulubot na ang kanilang balat, parang kahoy na natuyo ang kanilang mga buto. Mabuting di hamak ang masawi ka sa digmaan kaysa naman sa gutom ikaw ay mamatay; at dahil walang makain, labis kang nanghina. Kalagim-lagim ang naging bunga ng kapahamakang sinapit ng aking bayan. Upang ang ina ay may makain, kanilang supling ang siyang isinaing. Ibinuhos ni Yahweh ang kanyang matinding poot, sa lunsod ng Zion, lahat kanyang tinupok. Hindi naniniwala ang lahat ng hari sa sanlibutan, ni ang kanilang mga nasasakupan na mapapasok ng kaaway ang lunsod ng Jerusalem. Ngunit ito'y naganap dahil sa kasalanan ng mga propeta, at sa kasamaan ng mga pari na nagpapatay sa mga walang sala. Ang mga pinuno'y parang bulag na palabuy-laboy sa lansangan at natitigmak ng dugo, kaya walang mangahas lumapit sa kanila. “Lumayo kayo, kayong marurumi! Huwag kayong lalapit sa amin!” sabi ng mga tao; kaya't sila'y naging pugante't palabuy-laboy, ni isang bansa'y walang nais tumanggap sa kanila. Hindi na sila pinahalagahan ni Yahweh, kaya sila'y pinangalat niya. Hindi na niya kinilala ang mga pari at ang mga pinuno. Nanlabo na ang aming paningin sa paghihintay sa tulong na hindi na dumating; naghintay kami sa isang bansang wala namang maitulong. Ang kaaway ay laging nakabantay kaya't hindi kami makalabas sa lansangan; nabibilang na ang aming mga araw, malapit na ang aming wakas. Ang mga humahabol sa amin ay higit na mabilis kaysa mga agila sa himpapawid; tinugis nila kami sa mga kabundukan, maging sa ilang ay inaabangan. Nabihag nila ang aming tagapagtanggol, ang itinalaga ni Yahweh, na inaasahan naming mangangalaga sa amin laban sa mga kaaway. Magalak ka't matuwa, bayan ng Edom at Uz; subalit ang kapahamakang ito'y inyo ring mararanasan, malalagay ka rin sa lubos na kahihiyan. Pinagdusahan na ng Zion ang kanyang mga kasalanan kaya't lalaya na siya mula sa pagkabihag; ngunit paparusahan ni Yahweh ang Edom dahil sa kanyang kalikuan, at ibubunyag ang kanyang mga kasalanan. Gunitain mo, Yahweh, ang nangyari sa amin; masdan mo ang sinapit naming kahihiyan! Ang aming mana ay ibinigay sa mga dayuhan, at ang aming mga tahanan nama'y ipinagkaloob sa mga taga-ibang bayan. Ang aming mga ama'y pinatay ng mga kaaway; kaya't aming mga ina, wala nang kaagapay. Kailangang bayaran namin ang tubig na iinumin, pati ang panggatong ay binibili na rin. Pinagtrabaho kaming parang mga hayop, hindi man lamang pinagpapahinga. Para lang magkaroon ng sapat na pagkain, nakipagkasundo kami sa Egipto at Asiria. Nagkasala nga ang aming mga ninuno, at dahil sa kanila kami ay nagdurusa. Mga alipin ang namamahala sa amin; walang makapagligtas sa amin mula sa kanilang mga kamay. Sa paghahanap ng pagkain, nanganganib ang aming buhay, sapagkat naglipana ang aming mga kaaway. Dahil sa matinding gutom, nag-aapoy ang aming katawan, para kaming nakalagay sa mainit na pugon. Ang aming mga asawa ay ginahasa sa Zion, ang mga dalaga nama'y pinagsasamantalahan sa mga bayan ng Juda. Ginagapos at ibinibitin ang mga pinuno; at ang matatanda ay hindi na nirespeto. Ang mga kabataang lalaki'y pinagtatrabahong parang alipin; nakukuba sa bigat ng pasan nilang kahoy ang mga batang lalaki. Ayaw nang magpulong ang matatanda ng bayan, ayaw nang tumugtog ng mga kabataan. Naparam ang kagalakan sa aming puso; ang aming pagsasaya ay naging pagluluksa. Walang natira sa aming ipinagmamalaki; “tayo'y nagkasala kaya tayo'y nagdurusa!” Nanlupaypay kami, at nagdilim ang aming paningin, pagkat iniwan ng tao ang Bundok ng Zion, mga asong-gubat na lang ang naninirahan doon. Ngunit ikaw, O Yahweh, ang hari magpakailanman, ang iyong luklukan ay walang katapusan. Kay tagal mo kaming pinabayaan. Kailan mo kami aalalahaning muli? Ibalik mo kami, O Yahweh, sa dati naming kaugnayan sa iyo! Talaga bang itinakwil mo na kami? Sukdulan na bang talaga ang galit mo sa amin? Akong si Ezekiel ay isa sa mga dinalang-bihag sa baybay ng Ilog Kebar. Noong ikalimang araw ng ikaapat na buwan ng ikatatlumpung taon, nabuksan ang langit at isang pangitain mula sa Diyos ang aking nakita. Ikalimang araw noon ng ikaapat na buwan ng ikalimang taon ng pagkatapon kay Haring Jehoiakin. Ako na isang pari at anak ni Buzi ay nasa Babilonia sa baybayin ng Ilog Kebar nang magpahayag sa akin si Yahweh. Nang ako'y tumingala, naramdaman ko ang malakas na hanging nagmumula sa hilaga at nakita ko ang makapal na ulap na naliligid ng liwanag. Tuwing kikidlat, may isang bagay na kumikislap, parang makinang na tanso. Sa sentro ng bagyong ito, may apat na nilalang na buháy na anyong tao. Sila'y may tig-aapat na mukha at pakpak. Tuwid ang kanilang mga binti. Ang mga paa nila'y parang paa ng guya at tila makinang na tanso. Nasa ilalim ng kanilang mga pakpak ang kanilang mga kamay na parang kamay ng tao. Magkakadikit ang kanilang mga pakpak. Hindi na sila kailangang pumihit saanman nila gustong pumunta sapagkat nakaharap sila kahit saan. Sa harap, mukha silang tao. Sa kanang tagiliran, mukhang leon. Sa kaliwa naman ay mukha silang toro at mukhang agila sa likuran. Ang tig-dalawa nilang pakpak ay nakabukang pataas at magkaabot ang dulo. Ang tig-dalawa naman ay nakatakip sa kanilang katawan. Hindi na nga sila kailangang pumihit saanman nila gustong pumunta sapagkat nakaharap sila sa lahat ng dako. Sa gitna nila ay may naglalagablab na apoy na parang sulo, at nagpapalipat-lipat sa apat na nilalang na buháy. Maningning ang liwanag niyon at pinagmumulan ng kidlat. Ang apat na nilalang ay nagpaparoo't paritong simbilis ng kidlat. Nang tingnan kong muli ang apat na nilalang, may nakita akong tig-isang gulong sa tabi nila. Ang mga ito ay kumikislap na parang topaz. Iisa ang ayos nila at parang ang isa'y nakapaloob sa isa. Ang mga ito'y hindi na kailangang ipihit saanman ito gustong pagulungin pagkat nakaharap kahit saan. Ang bawat gulong ay puno ng mga mata sa palibot. Paglakad ng apat na nilalang, kasunod ang mga gulong. Kapag sila'y tumaas, tumataas din ang mga gulong. Saanman gumawi ang apat na nilalang ay kasunod ang apat na gulong pagkat ang apat na nilalang ang nagpapagalaw sa apat na gulong. Kaya paglakad ng apat na nilalang, lakad din ang mga gulong. Pagtigil naman, tigil din sila. Pagtaas, taas din sila. Anuman ang gawin ng apat na nilalang ay ginagawa ng apat na gulong. Sa ulunan ng apat na nilalang, naroon ang isang bubungang tila kristal. Sa ilalim nito'y magkakaabot na nakabuka ang tigalawang pakpak ng apat na nilalang, at ang tigalawa'y nakatakip sa kanilang katawan. Nang sila'y lumipad, parang lagaslas ng malaking baha ang dinig ko sa pagaspas ng kanilang mga pakpak; parang ugong ng tinig ng Diyos na Makapangyarihan, parang ragasa ng isang malaking hukbo. Nang sila'y tumigil, ibinabâ nila ang kanilang mga pakpak. At mula sa ibabaw ng bubungan, narinig ang isang malakas na tinig. Nang tumigil nga ng paglipad ang apat na nilalang, binayaan nilang nakalaylay ang kanilang mga pakpak. Sa ibabaw ng bubungan, naroon ang tila tronong yari sa safiro at may nakaupong parang isang tao. Mula sa baywang nito pataas ay may nagniningning na tila makinis na tanso. Sa ibaba naman ay may nakapalibot na apoy na nakakasilaw, na ang kulay ay parang bahaghari. Ganyan ang katulad ng kaluwalhatian ni Yahweh. Nang makita ko ito, ako'y nagpatirapa, at may narinig akong tinig. Sinabi sa akin ng tinig, “Ezekiel, anak ng tao, tumayo ka at may sasabihin ako sa iyo.” Kasabay noon, nilukuban ako ng kanyang Espiritu at itinayo ako upang pakinggan ang kanyang sasabihin. Ang sabi niya, “Ezekiel, anak ng tao, susuguin kita sa Israel, sa bansang suwail. Pagkat mula sa kanilang ninuno, naghihimagsik na sila sa akin hanggang ngayon. Matigas ang kanilang ulo at walang pitagan. Kaya puntahan mo sila at sabihin mong ito ang ipinapasabi ng Panginoong Yahweh. Makinig man sila o hindi, malalaman nilang may isang propeta sa kanilang kalagitnaan. Huwag kang matatakot sa kanila kahit pagbantaan ka nila, kahit na paligiran ka nila na waring nakaupo ka sa gitna ng mga alakdan. Huwag ka ngang masisindak sa kanila bagama't sila'y talagang mapaghimagsik. Sa makinig sila o sa hindi, sabihin mo sa kanila ang ipinapasabi ko sa iyo, pagkat sila'y talagang mapaghimagsik. “Ezekiel, anak ng tao, pakinggan mo ang sinasabi ko sa iyo. Huwag kang tutulad sa kanila na naghimagsik sa akin. Ngumanga ka. Kainin mo ito.” Nang ako'y tumingala, may isang kamay na nag-abot sa akin ng isang kasulatan. Iniladlad ito at nabasa ko sa magkabila ang mga panaghoy, pagdadalamhati, at paghihirap. Sinabi pa sa akin, “Kainin mo ang aklat na ito. Pagkatapos, magpahayag ka sa sambahayan ni Israel.” Ngumanga ako upang kanin ang aklat. Sinabi niya sa akin, “Kainin mo ito at magpakabusog ka.” Kinain ko nga ang aklat. Sa aking panlasa ito'y kasintamis ng pulot-pukyutan. Sinabi niya sa akin, “Ezekiel, anak ng tao, pumunta ka sa sambayanang Israel at sabihin mo ang ipinapasabi ko sa iyo. Ang pupuntahan mo ay ang sambayanang Israel, at hindi ibang bansang mahirap unawain ang salita. Ang pupuntahan mo'y mga taong nakakaunawa sa mga sasabihin mo. Ngunit hindi sila makikinig sa iyo pagkat ako mismo'y ayaw nilang pakinggan. Matigas ang ulo nila. Ngunit ikaw ang gagawin kong katapat nila. Patitigasin ko ang iyong kalooban, tulad nila. Patatatagin kita tulad ng isang batong-buháy. Huwag kang matatakot sa mapaghimagsik na sambayanang iyon.” Sinabi pa niya sa akin, “Pakinggan mong mabuti at tandaan itong sasabihin ko: Pumunta ka sa mga kababayan mong dinalang-bihag na tulad mo. Sa makinig sila at sa hindi, sabihin mo ang ipinapasabi ko.” Ako'y itinaas ng Espiritu, at narinig ko ang ugong ng isang malakas na tinig na nagsasabi: Purihin ang kaluwalhatian ni Yahweh, ang Panginoon ng kalangitan. At narinig ko ang pagaspas ng pakpak ng mga nilalang na buháy at ugong ng kanilang mga gulong na parang ugong ng malakas na lindol. Naramdaman ko ang kapangyarihan ni Yahweh at nag-aalab ang galit ko habang ako'y inililipad ng Espiritu. At dumating ako sa Tel-abib, sa baybay ng Ilog Kebar, sa lugar ng mga dinalang-bihag. Pitong araw akong natigilan at hindi makapagsalita. Pagkaraan ng pitong araw, sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ginagawa kitang bantay ng bansang Israel. Makinig ka sa aking sasabihin, at bigyan mo sila ng babala. Kapag sinabi kong tiyak na mamamatay ang mga taong masama, at hindi mo sila binigyan ng babala upang sila'y makapagsisi, ang mga tao ngang iyon ay mamamatay dahil sa kanilang kasalanan; ngunit pananagutan mo sa akin ang kanilang kamatayan. Subalit kapag binigyan mo sila ng babala, at hindi sila nagsisi sa kanilang kasamaan, mamamatay nga sila dahil sa kanilang mga kasalanan; ngunit hindi mo iyon pananagutan. Kapag nagpakasama ang isang matuwid, ilalagay ko siya sa panganib. Mawawalan ng kabuluhan ang kabutihang ginawa niya noong una at mamamatay nga siya dahil sa kanyang kasalanan. Kapag hindi mo siya binigyan ng babala, pananagutan mo sa akin ang kanyang kamatayan. Ngunit kapag binigyan mo ng babala ang mga taong matuwid, at sila'y lumayo sa kasamaan, hindi sila mamamatay; at wala kang pananagutan.” Hinawakan ako ni Yahweh at sinabi sa akin, “Tumayo ka. Magpunta ka sa kapatagan at may sasabihin ako sa iyo.” Tumayo nga ako at nagpunta sa kapatagan. Pagdating doon, nakita ko ang kaluwalhatian ni Yahweh, tulad ng nakita ko sa baybayin ng Ilog Kebar. Nagpatirapa ako sa lupa. Ngunit nilukuban ako ng Espiritu, itinindig niya ako at sinabi sa akin, “Umuwi ka at magkulong sa iyong bahay. Doon ay gagapusin ka upang hindi ka makasama sa iyong mga kababayan. Ididikit ko ang dila mo sa iyong ngalangala para hindi mo mapagsabihan ang mapaghimagsik mong mga kababayan. At kung may gusto akong ipasabi sa iyo, muli kang makapagsasalita. Kung magkagayon, sasabihin mo sa kanila ang ipasasabi ko. Kung gusto nilang makinig sa iyo, makinig sila; kung ayaw nila, huwag; sapagkat sila'y tunay na mapaghimagsik na sambayanan.” Sinabi pa sa akin ng Diyos, “Ezekiel, anak ng tao, kumuha ka ng tisa. Ilagay mo iyon sa iyong harapan, at iguhit mo roon ang lunsod ng Jerusalem. Upang ipakita ang isang pagkubkob, paligiran mo ito ng muog at mga tanggulan, at umangan ng malalaking trosong pambayo. Kumuha ka ng platong bakal at ilagay mo na parang pader sa pagitan mo at ng lunsod. Huwag mo itong iiwan ng tingin. Ito ay kukubkubin at ikaw ang kukubkob. Magiging palatandaan ito sa bansang Israel. “Pagkatapos, mahiga ka nang nakatagilid sa kaliwa at ipapataw ko sa iyo ang bigat ng parusa sa Israel. Kung gaano katagal kong ipataw sa iyo ang parusa, ganoon din ang pagpaparusa sa kanila. Sa loob ng 390 araw, mananatili ka sa ganoong ayos; bawat araw ay katumbas ng isang taon. Pagkatapos, bumiling ka sa kanan upang dalhin ang kaparusahan ng Juda sa loob ng apatnapung araw. Bawat araw ay katumbas ng isang taon. Pagkatapos, humarap ka sa Jerusalem. Iunat mong paharap doon ang iyong kamay na nakalilis ang manggas ng iyong baro, at magpahayag ka laban sa lunsod na iyon. Ngunit gagapusin kita hanggang hindi natatapos ang gagawin mong pagkubkob, para hindi ka makabiling. “Ngayon, kumuha ka ng trigo, sebada, bitsuwelas, lentil, batad, at espelta. Paghalu-haluin mo ito sa isang sisidlan at lutuin. Ito ang kakanin mo sa loob ng 390 araw habang ikaw ay nakahigang patagilid sa kaliwa. May takda ang pagkain mo araw-araw: isang beses maghapon at mahigit na isang kilo lamang araw-araw. May takda rin ang iyong pag-inom: isang beses maghapon at halos isang litro lang sa isang araw. Magluto ka ng bibingkang sebada na dumi ng tao ang panggatong. Kanin mo nang nakikita ng mga tao. Ganyan ang magiging pagkain ng Israel saan ko man sila itapon.” Sumagot ako, “Ngunit Panginoong Yahweh, alam mong hindi ako nagpapakarumi sa aking sarili. Mula sa aking pagkabata ay hindi ako tumikim ng anumang namatay nang kusa o nilapa ng hayop. Hindi rin ako tumikim ng anumang karumal-dumal na karne.” Sinabi niya sa akin, “Kung gayon, dumi ng baka ang igatong mo sa halip na dumi ng tao.” Sinabi pa niya sa akin, “Ezekiel, anak ng tao, babawasan ko na ang tinapay na kinakain araw-araw sa Jerusalem. Tatakalin na nila ang kanilang kakanin at iinumin. Paghaharian na sila ng pangamba at kabalisahan. Gagawin ko ito sa kanila hanggang sa sila'y pagharian ng sindak. Gayon sila pahihirapan dahil sa kanilang kasamaan.” Sinabi sa akin ng Diyos, “Ezekiel, anak ng tao, kumuha ka ng isang matalim na tabak at ahitin mo ang iyong buhok at balbas. Pagkatapos, timbangin mo iyon at pagtatluhing bahagi. Sunugin mo sa gitna ng lunsod ang unang bahagi matapos itong kubkubin. Ang ikalawang bahagi ay tadtarin mo habang naglalakad ka sa buong lunsod. Ihagis mo naman sa hangin ang ikatlong bahagi at pasusundan ko ng tabak. Kumuha ka ng ilang hibla ng buhok at itali mo sa laylayan ng iyong kasuotan. Kapag naitali mo na, kumuha ka pa ng ilang hibla at sunugin mo. Ang apoy nito ay kakalat at susunog sa buong Israel.” Sinabi ng Panginoong Yahweh, “Ang lunsod ng Jerusalem ay ginawa kong pinakasentro ng mga bansa. Ngunit nilabag niya ang aking Kautusan at mga tuntunin. Nagpakasama siya nang higit pa sa mga bansa sa kanyang paligid. Tinalikuran nga niya ang aking Kautusan at iniwan ang aking mga tuntunin. Kaya, ganito ang sabihin mo sa kanila: Dahil sa kaguluhan mong higit pa sa bansa sa inyong paligid, sa pagtalikod ng mamamayan mo sa aking mga tuntunin at Kautusan, at sa inyong paglakad ayon sa tuntunin ng mga bansang iyon, ako ay laban sa inyo ngayon. Paparusahan ko kayo sa harapan ng inyong mga kaaway. At dahil sa inyong kasamaan, gagawin ko sa inyo ang isang bagay na hindi ko pa ginagawa at hindi ko na gagawin pa. Kakainin ng magulang ang kanilang mga sariling anak, at ng mga anak ang kanilang mga sariling magulang. Paparusahan ko nga kayo, at ang matirang buháy ay pangangalatin ko sa lahat ng dako. Kayong lahat ay buong lupit kong ibabagsak dahil sa inyong kasamaan at paglapastangan sa aking Templo sa pamamagitan ng kasuklam-suklam ninyong gawain. Hahatiin ko kayo sa tatlo. Ang unang bahagi ay papatayin ko sa salot at sa matinding taggutom. Ang ikalawa'y sa pamamagitan ng tabak. Ang ikatlo'y ikakalat ko sa lahat ng dako, at patuloy kong uusigin. “Ibubuhos ko sa inyo ang aking poot hanggang sa gumaan ang aking loob. Kung madama ninyo ang bigat ng aking parusa, makikilala ninyo na akong si Yahweh ay marunong mapoot dahil sa matinding panibugho. Gagawin ko kayong isang pook ng lagim, at katatawanan ng lahat ng bansa sa paligid, ng lahat ng makakakita sa inyo. Mabibilad kayo sa kahihiyan at lilibakin. Magsisilbi kayong babala sa mga bansa sa inyong paligid sa sandaling ipataw ko sa inyo ang mabigat na parusa bunga ng matinding poot ko sa inyo. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. Mangyayari ito sa sandaling padalhan ko kayo ng matinding taggutom at iba't ibang kahirapan. Padadalhan ko kayo ng taggutom at mababangis na hayop na siyang lalapa sa inyong mga anak. Makakaranas kayo ng salot at digmaan; hahayaan ko rin kayong usigin. Akong si Yahweh ang maysabi nito.” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Humarap ka sa mga bundok ng Israel at magpahayag laban sa kanila. Sabihin mo, ‘Mga bundok ng Israel, dinggin ninyo itong ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: Tutugisin ko kayo ng tagâ. Gigibain ko ang inyong dambana sa mga burol. Gagawin kong pook ng lagim ang inyong mga altar. Gigibain ko ang dambanang sunugan ninyo ng insenso, at papatayin ko kayo sa harap ng inyong mga diyus-diyosan. Ang mga patay na Israelita'y ibubunton ko sa harapan ng inyong mga diyus-diyosan, at ikakalat ko sa inyong altar ang mga buto ninyo. Saanman kayo magtayo ng bayan, ito'y gigibain ko. Wawasakin ko ang inyong dambana sa mataas na dako. Dudurugin ko ang inyong mga diyus-diyosan, ibabagsak ang inyong mga dambanang sunugan ng insenso, at ipagtatatapon ang inyong mga ginawa. Maraming mamamatay sa inyo. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.’ “May ilan akong ititira sa inyo ngunit mangangalat sila sa iba't ibang panig ng daigdig, at mabibihag ng ibang bansa. Kapag sila'y naroon na sa dakong pagdadalahan sa kanila, maaalala nila kung gaano kalaki ang pagdaramdam ko dahil sa pagtalikod nila sa akin upang maglingkod sa mga diyus-diyosan. At sila mismo'y masusuklam sa kanilang sarili dahil sa ginawa nilang kasamaan. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh at malalaman nilang hindi panakot lamang ang parusang ipapataw ko sa kanila.” Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh, “Pumalakpak ka't pumadyak, at sabihing mabuti nga sa sambahayan ng Israel. Uubusin kayo sa pamamagitan ng tabak, ng salot at ng taggutom. Ang nasa malayo ay mamamatay sa salot, at sa tabak naman ang nasa malapit. Ang matirang buháy ay papatayin naman sa gutom. Ganyan ang gagawin ko upang ipadama sa kanila ang aking matinding galit. Makikilala nga nilang ako si Yahweh kapag nakita nilang naghalang ang patay sa harap ng kanilang mga diyus-diyosan, sa mga burol, mga bundok, sa ilalim ng mga punongkahoy at malalagong puno ng ensina, o sa alinmang dakong handugan nila ng mababangong samyo para sa kanilang mga diyus-diyosan. Paparusahan ko nga sila at alinmang lugar na tirahan nila'y paghaharian ko ng lagim mula sa kaparangan ng Diblat. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Sabihin mo sa bayang Israel: Dumating na ang wakas! Dumating na ang wakas sa apat na sulok ng daigdig. Dumating na ngayon ang inyong katapusan. Ibubuhos ko na sa inyo ang aking matinding poot at hahatulan ko kayo ayon sa inyong mga gawa. Paparusahan ko kayo dahil sa inyong kasamaan. Wala akong patatawarin isa man. Paparusahan ko kayo dahil sa inyong kasamaan. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.” Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh, “Hindi na magtatagal at sunod-sunod na kasawian ang aabot sa inyo. Dumating na ang wakas! Ito na ang inyong katapusan. Dumating na ang inyong katapusan, mga mamamayan ng lupain. Dumating na ang panahon, malapit na ang araw ng kaguluhan. Tapos na ang masasayang araw sa tuktok ng bundok. Ibubuhos ko ngayon sa inyo ang aking poot. Uubusin ko sa inyo ang matinding galit ko. Hahatulan ko kayo ayon sa inyong mga gawa. Paparusahan ko kayo dahil sa inyong kasamaan. Wala akong patatawarin ni isa man. Paparusahan ko nga kayo dahil sa inyong kasamaan. Sa gayo'y malalaman ninyo na akong si Yahweh ay talagang nagpaparusa. “Ngayon na ang araw! Ito na ang inyong katapusan. Sukdulan na ang inyong kapalaluan. Laganap na ang karahasan. Laganap na ang karahasan at kasamaan. Walang ititira sa kanila, lahat ay mawawala: kasaganaan, kayamanan, kabantugan. Dumarating na ang panahon. Malapit na ang araw. Nagsisisi ang mga namili at natutuwa ang nagbenta; ang poot ng Diyos ay nag-aalab sa kanila at sila'y pare-parehong babagsakan ng poot ng Diyos. Ang mga ipinagbili ay di na maisasauli sa nagbenta kahit sila mabuhay; wala nang saulian dahil sa kaguluhan. Sila'y pare-parehong babagsakan ng poot ng Diyos at dahil sa kanilang kasamaan, walang matitirang buháy. “Humudyat na ang tambuli at handa na ang lahat ngunit walang lumabas upang makipagbaka pagkat pare-pareho silang inabot ng aking poot. Nasa labas ng bayan ang digmaan, nasa loob naman ang salot at taggutom. Ang nasa bukid ay namamatay sa digmaan. Ang nasa loob ng bayan ay nauubos sa salot at taggutom. Kung may makatakas man sa bundok, sila'y matatagpuan sa mga bundok, na parang mga kalapating lumisan sa mga libis; sila'y nangangatog sa takot dahil sa kanilang kasamaan. Lahat ng kamay ay nanghihina at bawat tuhod ay nangangatog. Bawat isa'y nakabalot ng sako, pinaghaharian ng matinding takot. Ang kanilang mga ulo'y naahitan, nakatungo dahil sa laki ng kahihiyan. Ipinagtatapon na sa lupa ang kanilang pilak. Ang mga ginto'y wala nang halaga. Ang pilak at ginto nila'y walang maitulong sa kanila sa araw ng poot ni Yahweh. Hindi mapawi ng mga ito ang kanilang gutom, hindi nila ito makain. Ibinagsak sila ng sariling kasamaan. Ang naggagandahan nilang hiyas na ginamit sa kapalaluan at ginawang diyus-diyosan at iba pang kasuklam-suklam na mga bagay ay ginawa kong walang kabuluhan. Ang pilak at ginto nila'y pababayaan kong nakawin ng ibang tao at ipasasamsam sa mga taong walang Diyos, pati itinuturing nilang sagrado upang ipasalaula sa mga ito. Sila'y tatalikuran ko. Pababayaan kong salaulain pati ang aking Templo. Papasukin ito ng mga magnanakaw, sasalaulain, at gagawing isang dakong mapanglaw. “Naghahari ang kaguluhan; laganap ang patayan sa lunsod at ito'y pinaghaharian ng karahasan. Ang mga tirahan nila'y ipasasamsam ko sa pinakamasasamang bayan. Wawakasan ko na ang kanilang pagpapalalo at hahayaan kong masalaula ang kanilang banal na dako. Darating sa kanila ang kaguluhan. Hahanapin nila ang kapanatagan ngunit hindi nila ito makikita. Darating din sa kanila ang sapin-saping kapahamakan at nakakapangilabot na balita. Kaya't sasangguni sila sa propeta ngunit wala itong maipapahayag sa kanila. Hihingi sila ng payo sa mga pari ngunit wala itong maisasagot sa kanila. Pati ang matatanda'y walang masasabi sa kanila. Mananaghoy ang hari, sasakmalin ng takot ang mga pinuno at manginginig sa takot ang mga karaniwang tao. Gagawin ko sa kanila ang nararapat sa kanilang gawa at hahatulan sila ayon sa kanilang pamumuhay. Sa gayon, malalaman nilang ako si Yahweh.” Ikalimang araw ng ikaanim na buwan ng ikaanim na taon. Kaharap ko noon sa aming bahay ang pinuno ng Juda nang ako'y lukuban ng kapangyarihan ng Panginoong Yahweh. Nagkaroon ako ng pangitain. May nakita akong parang tao. Ang ibaba ng kanyang baywang ay parang apoy at sa itaas ay maningning na parang makinis na tanso. Nakita kong iniunat ang tila kamay. Hinawakan ako nito sa buhok at itinaas sa kalagitnaan ng langit at ng lupa. Dinala ako sa Jerusalem, sa pagpasok sa patyo, sa gawing hilaga, sa may kinalalagyan ng rebulto na naging dahilan ng paninibugho ni Yahweh. At naroon ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel, tulad ng nakita ko sa pangitain sa kapatagan. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, tumingin ka sa gawing hilaga.” Tumingin nga ako at sa pagpasok sa altar ay nakita ko ang diyus-diyosang sanhi ng kanyang paninibugho. Sinabi niya sa akin, “Nakita mo na ang kasuklam-suklam na bagay na ginagawa ng bayang Israel upang ako'y palayasin sa aking santuwaryo? Higit pa riyan ang ipapakita ko sa iyo.” At dinala niya ako sa may pinto ng patyo. Ang nakita ko'y isang butas sa pader. Sinabi niya sa akin, “Lakihan mo ang butas ng pader.” Gayon nga ang ginawa ko at may nakita akong pinto. Sinabi niya sa akin, “Pumasok ka at tingnan mo ang kasuklam-suklam nilang gawain.” Pumasok nga ako at sa palibot ng pader ay nakita ko ang larawan ng lahat ng hayop na gumagapang, nakakapandiring mga halimaw, at ang iba't ibang diyus-diyosan ng Israel. Sa harap ng mga ito, nakatayo ang pitumpung matatanda ng Israel sa pangunguna ni Jaazanias na anak ni Safan. Bawat isa'y nagsusunog ng insenso. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, nakita mo ang ginagawa nila sa madilim na silid na ito? Sinasabi pa nilang hindi ko sila makikita roon sapagkat wala ako roon. Masahol pa riyan ang makikita mo.” Dinala niya ako sa pintuan sa hilaga ng pagpasok sa Templo, at doo'y may mga babaing nananangis para kay Tamuz. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Nakikita mo ba iyan? Masahol pa riyan ang makikita mo.” Dinala niya ako sa patyo sa loob ng Templo. Sa pagitan ng balkonahe at ng altar ay may nakita akong mga dalawampu't limang tao. Nakatalikod sila sa Templo, nakaharap sa silangan at sumasamba sa araw. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Nakikita mo ba iyan? Maliit na bagay ba ang ginagawa ng sambahayan ng Juda na punuin ng karahasan ang buong lupain? Lalo lang nila akong ginagalit sa ginagawa nilang iyan. Kaya nga, paparusahan ko sila. Wala akong patatawarin ni isa man sa kanila. Dumaing man sila sa akin, hindi ko sila diringgin.” Sumigaw si Yahweh, “Halikayo, mga itinalaga upang magpahirap sa lunsod. Dalhin ninyo ang inyong mga sandata.” Mula sa pintuan sa hilaga ay pumasok ang anim na taong tigi-tig-isa ng sandata. May kasama silang nakasuot ng kayong lino at may panulat sa baywang. Tumayo sila sa may altar na tanso. Noon, ang kaluwalhatian ni Yahweh na nasa pagitan ng mga kerubin ay tumaas papunta sa pasukan ng Templo. Tinawag niya ang lalaking nakadamit ng telang lino at may panulat sa baywang. Sinabi niya rito, “Libutin mo ang lunsod ng Jerusalem at lagyan mo ng tatak sa noo ang lahat ng nagdalamhati dahil sa mga kasuklam-suklam na ginawa roon.” Sa iba naman ay narinig kong sinabi niya, “Sumunod kayo sa kanya at patayin ninyo ang mga tagaroon. Huwag kayong magtitira maliban sa mga may tanda sa noo. Patayin ninyong lahat ang mga tagaroon: matanda, binata, dalaga, babae at bata. Umpisahan ninyo sa santuwaryo.” Inuna nga nilang patayin ang matatandang pinuno ng bayan sa harap ng bahay. Sinabi niya sa kanila, “Parumihin ninyo ang Templo at punuin ninyo ng bangkay ang patyo. Sige, umpisahan n'yo na!” Lumakad nga sila at pumatay nang pumatay sa lunsod. Ako'y naiwang mag-isa. Habang pumapatay sila, nagpatirapa ako at nanangis. Sinabi ko, “Panginoong Yahweh, aking Diyos, dahil ba sa galit mo sa Jerusalem ay uubusin mo ang nalalabing Israelita?” Sinabi niya sa akin, “Napakalaki ng pagkakasala ng Israel at ng Juda. Dumadanak ang dugo sa lupain. Nawawala ang katarungan. Sinasabi pa nilang hindi ko sila makikita sapagkat umalis na ako sa lupain. Kaya, pagbabayarin ko sila sa ginagawa nila. Wala akong patatawarin ni isa man sa kanila.” At bumalik ang lalaking nakasuot ng telang lino, at sinabi kay Yahweh, “Nagawa ko na po ang ipinagagawa ninyo sa akin.” Tumingin ako sa ulunan ng mga kerubin at may nakita akong parang trono na waring yari sa safiro. Sinabi ni Yahweh sa lalaking nakasuot ng telang lino, “Pumunta ka sa gitna ng mga gulong na umiikot sa ibaba ng kerubin. Dumakot ka ng baga at isabog mo sa buong lunsod.” Gayon nga ang ginawa ng lalaking nabanggit. Noon, ang mga kerubin ay nasa gawing timog ng Templo. Pagpasok ng lalaki sa patyo sa loob, ito'y napuno ng makapal na ulap. Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay umalis sa may kerubin at lumipat sa may pagpasok ng Templo. Napuno rin ito ng ulap at ang buong patyo'y nagliwanag sa kaluwalhatian ni Yahweh. Ang pagaspas ng pakpak ng mga kerubin ay dinig hanggang sa patyo sa labas, wari'y ugong ng tinig ng Makapangyarihang Diyos. Nang sabihin nga niya sa lalaking nakadamit ng lino na siya'y kumuha ng baga sa gitna ng mga gulong sa ibaba ng mga kerubin, pumunta ito at tumayo sa tabi ng isang gulong. Ang isa sa mga kerubin ay dumakot ng baga na nasa kanilang kalagitnaan at ibinigay sa lalaki; at ito'y umalis. Ang mga kerubin ay may mga tila kamay nga ng tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak. Nang ako'y tumingin, nakita kong may isang gulong sa tabi ng bawat kerubin. Ang mga gulong ay kumikislap, tulad ng topaz. Magkakamukha ang mga ito at parang iisa. Sila'y nakababaling kahit saan, hindi na kailangang pumihit. Saanman gumawi ang nasa unahan, sumusunod ang iba nang hindi na pumipihit. Ang kanilang katawan, likod, kamay, pakpak, pati mga gulong ay puno ng mata. Ang mga kerubin ay tig-iisang gulong, at ang tawag sa kanila ay “Mga Umiikot na Gulong.” Bawat kerubin ay tig-aapat ang mukha: kerubin, tao, leon, at agila. Ang mga kerubin ay tumayo. Ito rin ang mga nilalang na buháy na nakita ko sa may Ilog Kebar. Paglakad ng mga ito, lumalakad din ang mga gulong; pagtaas ng mga ito, tumataas din ang mga gulong. Pagtigil nila, tumitigil din ang mga gulong. Pagtaas noong isa, sunod ang ikalawa pagkat iisa ang nagpapagalaw sa mga nilalang na buháy at sa mga gulong. Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay umalis sa may pagpasok ng Templo at nagpunta sa may ulunan ng kerubin. Lumipad ang mga kerubin kasama ang mga gulong, at tumigil sa may pintuan ng Templo sa gawing silangan. Nasa ulunan pa rin nila ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel. Ang mga ito ay siya ring apat na nilalang na nakita ko sa may Ilog Kebar at nalaman kong sila'y mga kerubin. Sila'y tig-aapat ang mukha at tig-aapat din ang pakpak at may mga tila kamay sa ilalim ng kanilang mga pakpak. Ang mukha nila'y tulad din nang nakita ko sila sa may Ilog Kebar. Kung saan gumawi ang isa ay doon din ang iba. Pagkatapos, dinala ako ng Espiritu sa pintuan ng Templo sa gawing silangan. May dalawampu't limang tao roon, kasama si Jaazanias na anak ni Azur, at si Pelatia na anak ni Benaias; sila'y mga pinuno ng bayan. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sila ang nagpupunla ng masamang kaisipan sa lunsod na ito. Sinasabi nila sa mga tao na hindi na dapat magtayo muli ng mga bahay sapagkat ang siyudad na ito ang matibay na tanggulan. Kaya, magpahayag ka laban sa kanila.” Nilukuban ako ng Espiritu ni Yahweh at sinabi sa akin, “Sabihin mong ipinapasabi ni Yahweh: Mga Israelita, hindi lingid sa akin ang inyong mga pinagsasabi. Alam ko ang binabalak ninyo. Patuloy ang patayan ninyo sa lunsod na ito at nagkalat ang bangkay sa mga lansangan. Kaya, ito ang sinasabi ko: Ang lunsod ay natulad sa kaldero at ang karne ay ang mga bangkay. Hindi kayo dapat manatili rito. Takot kayo sa tabak kaya ipasasalakay ko kayo sa mga taong bihasa sa paggamit ng tabak. Iaalis ko kayo sa lunsod na ito at ipapabihag sa mga taga-ibang bayan bilang parusa. Mamamatay kayo sa tabak sa may hangganan ng Israel. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh. Kailanma'y hindi ninyo magiging tanggulan ang Jerusalem at hindi kayo magiging ligtas sa loob nito. Paparusahan ko kayo kahit saan kayo magpunta. Ipapakilala ko sa inyo kung sino ako sapagkat hindi kayo lumakad ayon sa aking mga tuntunin at hindi ninyo sinunod ang aking mga utos. Sa halip, namuhay kayo ayon sa tuntunin ng mga bansang nakapaligid sa inyo.” Nang kasalukuyan akong nagpapahayag, patay na bumagsak si Pelatia. Dahil dito'y tumatangis akong nagpatirapa. Itinanong ko, “Panginoong Yahweh, uubusin mo rin ba ang natitira pang Israelita?” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ang mga kapatid mo at mga dinalang-bihag tulad mo, ang buong sambahayan ni Israel, ay pinagsabihan ng mga nakatira ngayon sa Jerusalem ng, ‘Lumayo kayo kay Yahweh, ang lupaing ito'y ibinigay na sa amin.’ Kaya, ganito ang sabihin mo sa kanila: ‘Pinangalat ko sila sa iba't ibang dako kaya maaari nila akong sambahing pansamantala saanman sila napatapon.’ Sabihin mo na muli ko silang titipunin mula sa mga bansang kinatapunan nila at ibibigay kong muli sa kanila ang lupain. At pagbalik nila roon, aalisin nila ang mga kasuklam-suklam na mga bagay roon. Bibigyan ko sila ng bagong puso at bagong espiritu. Ang masuwayin nilang puso ay papalitan ko ng pusong masunurin upang lumakad sila ayon sa aking mga tuntunin at sumunod sa aking mga utos. Sa gayon, magiging bayan ko sila at ako ang kanilang magiging Diyos. Ngunit pagbabayarin ko ang mga gumawa ng karumal-dumal at kasuklam-suklam na bagay.” Ito ang sabi ng Panginoong Yahweh. Pumaitaas ang mga kerubin, kasama ang mga gulong, at ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay nasa itaas nila. Ang kaluwalhatian ni Yahweh ay umalis sa lunsod at nagpunta sa ibabaw ng bundok sa gawing silangan. Inilipad ako ng Espiritu at sa pamamagitan ng pangitain ay dinala ako sa Babilonia, sa lugar ng mga dinalang-bihag. Doon natapos ang pangitain. At sinabi ko sa mga dinalang-bihag ang lahat ng ipinakita sa akin ni Yahweh sa pamamagitan ng pangitain. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, nasa gitna ka ng isang mapaghimagsik na bayan. May mga mata sila ngunit hindi nakakakita; may mga tainga ngunit hindi naman nakakarinig sapagkat sila'y mapaghimagsik. Kaya nga, magbalot ka ng kailangan mo sa paglalakbay bilang isang bihag. Bago dumating ang gabi, maglalakad ka sa lansangan nang nakikita nila at baka sakaling makaunawa sila sa kabila ng pagiging mapaghimagsik na lahi. Samantalang maliwanag pa, maghanda ka ng iyong dala-dalahan nang nakikita nila at kinagabihan ay maglalakad kang parang manlalakbay. Pagkatapos, bumutas ka sa pader at doon ka magdaan. Pasanin mo ang iyong dala-dalahan at lumakad kang nakikita nila. Magtakip ka ng mukha para hindi mo makita ang lupain pag-alis mo pagkat ikaw ang gagawin kong pinakababala sa mga Israelita.” At ginawa ko ang lahat ayon sa utos sa akin. Nang araw na iyon, naghanda ako ng aking madadala bilang isang takas. Kinagabihan, sa pamamagitan lamang ng aking mga kamay, bumutas ako sa pader at nagpatuloy sa paglalakbay na nakikita nila habang pasan ko ang aking mga dala-dalahan. Kinaumagahan, sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, hindi ba't itinanong sa iyo ng mapaghimagsik na mga Israelitang yaon kung ano ang iyong ginagawa? Sabihin mo sa kanila na ipinapasabi ko: ‘Ang pahayag na ito ay para sa pinuno ng Jerusalem at sa buong Israel. Sabihin mong ang ginawa mo ay pinakababala sa gagawin sa kanila: Itatapon sila, at ipapabihag.’ Pagdilim, papasanin ng pinuno ng Jerusalem ang kanyang dala-dalahan at tatakas sa pamamagitan ng butas sa pader. Magtatakip siya ng kanyang mukha para hindi niya makita ang lupaing iiwan niya. Ngunit susukluban ko siya ng lambat. Huhulihin ko siya at dadalhin sa Babilonia kung saan doon siya mamamatay nang hindi ito nakikita. Ang mga nasasakupan niya ay pangangalatin ko sa lahat ng dako, ang kanyang mga lingkod at buong hukbo. Ang mga ito'y uusigin ko sa pamamagitan ng tabak. At kung mapangalat ko na sila sa iba't ibang lugar, makikilala nilang ako si Yahweh. Ngunit may ilan akong ititira sa kanila para saanman sila mapunta ay maikuwento nila ang kasuklam-suklam nilang gawain. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, manginig ka sa takot habang kumakain at umiinom. Sabihin mo sa kanila, ‘Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh sa mga Israelita, Kakain kayo at iinom nang nanginginig sa takot. Ang lunsod ay paghaharian ng lagim sapagkat magaganap ang karahasan sa kabi-kabila. Ang mga lunsod ay mawawalan ng tao, at magiging pook ng lagim ang lupain. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.’” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, laganap ngayon sa buong Israel ang kasabihang, ‘Humahaba ang mga araw ngunit isa man sa mga hula'y walang katuparang natatanaw.’ Sabihin mo sa kanilang mawawala na ang kasabihang iyan, hindi na ito maririnig sa Israel. Sabihin mo ring malapit nang matupad ang lahat ng inihayag sa kanila. Mula ngayo'y mawawala na ang maling pagpapahayag sa sambayanang Israel. Akong si Yahweh ang magsasabi ng dapat sabihin. Hindi na magtatagal, mga Israelitang mapaghimagsik, at mangyayari sa inyong kapanahunan ang lahat ng aking sasabihin.” Sinabi pa sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sinasabi ng mga Israelita na ang nakikita mong mga pangitain ay hindi magkakatotoo kung ngayon lamang. Magtatagal pa raw bago mangyari ang inihahayag mo ngayon. Kaya, sabihin mo sa kanilang ipinapasabi ko: ‘Isa man sa mga sinabi ko'y hindi maaantala. Hindi na magtatagal at magaganap ang lahat ng ito.’” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka laban sa mga propeta ng Israel sapagkat ang ipinapahayag nila sa mga tao ay sarili nilang kaisipan at hindi mula sa akin. Sabihin mo sa kanilang makinig sa mensahe ni Yahweh!” Ito ang ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Kaawa-awa ang kalagayang sasapitin ng mga propetang nagpapahayag ng sariling kaisipan at hindi ang mula sa akin. Bayang Israel, ang iyong mga propeta ay parang mga alamid sa mga pook ng lagim. Hindi nila ginawa ang sirang bahagi ng pader ng sambahayan ni Israel para ito'y manatiling nakatayo sa araw ni Yahweh. Pawang kasinungalingan ang ipinahayag nila. Ang pahayag nila'y, ‘Sinasabi ni Yahweh,’ kahit hindi ko sila sinusugo. Sa kabila noon, inaasam nilang pangyayarihin ko ang kanilang ipinahayag. Huwad ang kanilang pangitain at kasinungalingan ang kanilang pahayag sapagkat sabi nila'y ipinapasabi ko iyon bagama't wala akong sinasabing ganoon.” Kaya't ipinapasabi sa kanila ng Panginoong Yahweh: “Huwad ang inyong pangitain at kasinungalingan ang inyong pahayag. Ako'y laban sa inyo. Paparusahan ko ang mga propetang may huwad na pangitain at nagpapahayag ng kasinungalingan. Hindi sila mapapabilang sa lupong sanggunian ng aking bayan o sa aklat-talaan ng bayan ng Israel. Hindi na kayo makakapasok muli sa lupaing ito. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh. Dinadaya ninyo ang aking bayan. Sinasabi ninyong, ‘Payapa ang lahat’ gayong wala namang kapayapaan. At kapag may nagtatayo ng mahinang pader, tinatapalan ninyo ito ng kalburo. Sabihin mo sa kanila na guguho ang pader na iyon sapagkat bubuhos ang malakas na ulan, babagyo ng yelo at magpapadala ako ng unos. At pagbagsak ng pader na iyon, itatanong sa inyo kung nasaan ang inyong itinapal.” Kaya, ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Dahil sa aking galit, magpapadala ako ng unos. Dahil sa tindi ng aking poot, ibubuhos ko ang malakas na ulan. Dahil sa laki ng aking galit, magpapaulan ako ng yelo upang sirain ang pader na iyon. Ang pader na inyong tinapalan ng kalburo ay iguguho ko hanggang sa pundasyon nito. Pagguho nito, matatabunan kayo. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh. Ang matinding galit ko'y ibubuhos ko sa pader na iyon at sa mga nagtapal niyon. Pagkatapos, sasabihin kong wala na ang pader pati ang mga nagtapal niyon. Ang mga nagtapal ng pader ay ang mga propeta ng Israel na nagsabing maayos ang lahat sa Jerusalem ngunit kabaligtaran ang nangyari.” Ito ang sabi ng Panginoong Yahweh. Ang sabi ni Yahweh, “Ngayon, Ezekiel, magpahayag ka laban sa mga kababayan mong babae na nagpahayag ayon sa kanilang sariling isipan. Ganito ang sabihin mo sa kanila: Kahabag-habag ang mga babaing bumibihag sa kalooban ng mga tao sa pamamagitan ng pulseras nila sa kamay at belo sa ulo ayon sa lahi ng tao. Binibihag ba ninyo ang kalooban ng aking bayan para sa inyong kapakinabangan? Ginawan ninyo ako ng malaking kalapastanganan sa harap ng aking bayan sa pamamagitan ng kaunting harina at ng durog na tinapay. Sa pamamagitan ng inyong pagsasabi ng kasinungalingan sa mga mahilig makinig ng kasinungalingan, pinapatay ninyo ang dapat mabuhay at binubuhay ang dapat mamatay.” Kaya nga ipinapasabi ng Panginoong Yahweh, “Nasusuklam ako sa mga pulseras ninyong may salamangka para mabihag ang kalooban ng mga tao. Hahablutin ko iyan sa inyong mga kamay, at palalayaing tulad ng ibon ang isipan ng mga taong nabihag ninyo. Hahaltakin ko rin ang inyong mga belo, at palalayain ko ang aking bayan mula sa inyong kapangyarihan. Hindi na ninyo sila masasakop. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh. Tinakot ninyo ang mga matuwid dahil sa inyong kasinungalingan at pinalakas ninyo ang loob ng masasama para lalong magpatuloy sa kanilang kasamaan. Kaya naman, hindi na ninyo makikita ang huwad ninyong pangitain at hindi na ninyo magagawang magpahayag ng inyong mga kasinungalingan. Ililigtas ko mula sa inyong kapangyarihan ang aking bayan, at malalaman ninyong ako si Yahweh.” Minsan, pumunta sa akin ang ilang pinuno ng Israel upang magpasangguni kay Yahweh. Ang sabi naman sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ang mga ito'y nahumaling na sa diyus-diyosan at naibunsod sa kasamaan. Hindi ko sila tutugunin sa pagsangguni nila sa akin. Sabihin mo na lamang sa kanila na ipinapasabi kong huwag sasangguni sa mga propeta ang sinumang Israelitang sumasamba sa diyus-diyosan na naging dahilan ng patuloy nilang pagkakasala. Kapag sumangguni sila, tuwiran kong ibibigay sa kanila ang sagot na nararapat sa marami nilang diyus-diyosan. Sa pamamagitan ng sagot kong ito, manunumbalik sa akin ang mga Israelitang ito na nahumaling sa pagsamba sa mga diyus-diyosan. “Sabihin mo nga sa bayang Israel na ipinapasabi ko: Magsisi na kayo at tigilan na ninyo ang pagsamba sa mga diyus-diyosan. Sapagkat ako ang tuwirang sasagot sa sinumang Israelita o nakikipamayan sa Israel na sasangguni sa propeta habang siya ay malayo sa akin, at patuloy sa pagsamba sa diyus-diyosan at sa kanyang kasamaan. Itatakwil ko ang ganoong uri ng tao. Gagawin ko siyang usap-usapan ng lahat at babala para sa iba. Sa gayon, hindi na siya mapapabilang sa Israel. Sa gayo'y makikilala ninyong ako si Yahweh. “Kapag ang isang propeta ay naakit magpahayag ng mali, ako ang dumaya sa kanya. Kung magkagayon, paparusahan ko siya at hindi na ibibilang sa aking bayan. Siya at ang sasangguni sa kanya ay paparusahan ko. Kung ano ang ipaparusa ko sa propeta ay siya ko ring ipaparusa sa sinumang sasangguni sa kanya. Gagawin ko ito para hindi na lumayo sa akin ang Israel at hindi na sila magpakasama. Kung magkagayon, sila ay magiging bayan ko at ako naman ang kanilang Diyos.” Ito nga ang sabi ni Yahweh, ng Diyos. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, kapag ang isang bayan ay hindi naging tapat sa akin, paparusahan ko sila, at babawasan ang kanilang pagkain. Padadalhan ko sila ng taggutom hanggang sa mamatay ang mga tao, pati hayop. Kung magkataong naroon sina Noe, Daniel at Job, sila lamang ang maliligtas dahil sa matuwid nilang pamumuhay. “Kapag pinapasok ko sa isang bansa ang mababangis na hayop, sila'y uubusin ng mga ito. Ang dakong iyon ay magiging pook ng lagim hanggang sa ang lahat ay matatakot magdaan doon dahil sa mababangis na hayop. Isinusumpa kong wala akong ititira isa man sa kanila. Magkataon mang naroon sina Noe, Daniel at Job, sila lamang ang maliligtas, ngunit hindi nila maililigtas isa man sa kanilang mga anak. “Kapag pinadalhan ko ng tabak ang isang bansa, silang lahat ay aking papatayin, pati mga hayop. Kung magkataong naroon sina Noe, Daniel at Job, sila lamang ang maliligtas; wala silang maisasama isa man sa kanilang mga anak. Ako ang buháy na Diyos,” sabi ni Yahweh. “Kapag ang isang bansa ay pinadalhan ko ng salot at ibinuhos ko roon ang aking matinding galit, mamamatay silang lahat, pati mga hayop. Ako ang buháy na Diyos,” sabi ni Yahweh. “Naroon man sina Noe, Daniel at Job, hindi rin nila maililigtas kahit isa sa kanilang mga anak, sila lamang tatlo ang maliligtas pagkat matuwid ang kanilang pamumuhay.” Ipinapasabi nga ni Yahweh, “Ano pa ang maaaring asahan ng Jerusalem kapag nilipol ko ang lahat ng naroon sa pamamagitan ng digmaan, taggutom, mababangis na hayop, at salot na siyang apat na paraan ng aking pagpaparusa? Sakali mang may makaligtas, aalis sila sa Jerusalem. At kung makita mo ang paraan ng kanilang pamumuhay, sasabihin mong angkop lamang ang pagpaparusang ipinataw ko. Mawawala ang panghihinayang mo kapag nakita mo ang masamang paraan ng kanilang pamumuhay, at sasabihin mong may sapat akong dahilan sa gayong pagpaparusa sa kanila.” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ano ba ang kahigtan ng puno ng ubas kaysa punongkahoy sa gubat? Mayroon ba itong ibang mapaggagamitan? Maaari ba itong gawing tulos o sabitan ng kagamitan? Hindi! Ito ay panggatong lamang. At kung masunog na ito'y wala nang silbi. Kung noong buo pa ito ay wala nang mapaggamitan, gaano pa kung uling na. Lalong wala nang gamit!” Kaya naman ipinapasabi ni Yahweh: “Kung paanong ang baging ay kinukuha sa gubat upang igatong, gayon ang gagawin ko sa mga taga-Jerusalem. Tatalikuran ko sila. Makatakas man sila sa apoy, ito rin ang papatay sa kanila. At makikilala ninyong ako si Yahweh kapag naparusahan ko na sila. Ang lupaing iyon ay gagawin kong pook ng lagim pagkat hindi sila naging tapat sa akin.” Sinabi pa sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ipamukha mo sa Jerusalem ang kanyang kasuklam-suklam na gawain. Sabihin mong ipinapasabi ni Yahweh na kanyang Diyos: Ikaw ay mula sa Canaan. Amoreo ang iyong ama at Hetea ang iyong ina. Nang ikaw ay isilang, hindi ka pinutulan ng pusod ni pinaliguan ni kinuskos ng asin ni binalot ng lampin. Walang nag-ukol ng panahon upang gawin sa iyo ang isa man sa mga bagay na dapat gawin. Wala man lamang naawa sa iyo. Basta ka na lamang inilapag sa lupa nang ikaw ay isilang. “Nadaanan kitang kakawag-kawag sa sarili mong dugo. Sinabi ko sa iyo noon na mabubuhay ka at lalaking tulad ng mga halaman sa parang. Lumaki ka nga at naging ganap na dalaga. Malusog ang iyong dibdib. Mahaba ang iyong buhok ngunit ikaw ay hubo't hubad. “Nang madaanan kitang muli, nakita kong ikaw ay handa nang umibig. Kaya ibinalabal ko sa iyo ang aking kasuotan upang matakpan ang iyong kahubaran. Nangako ako sa iyo nang buong katapatan. Nakipagtipan ako sa iyo, at ikaw ay naging akin. Pinaliguan kita. Nilinis ko ang dugo mo sa katawan, at pinahiran kita ng langis. Dinamtan kita ng may magagandang burda, at sinuotan ng sandalyas na balat. Binalot kita ng pinong lino at damit na seda. Sinuotan kita ng pulseras sa magkabilang braso, at binigyan ng kuwintas. Binigyan din kita ng hikaw sa ilong at tainga. Pinutungan kita ng isang magandang korona. Nagayakan ka ng alahas na pilak at ginto. Ang kasuotan mo'y pinong lino, piling seda, at telang nabuburdahan nang maganda. Ang pagkain mo'y yari sa pinakamainam na harina. Pulot-pukyutan at langis ang iyong inumin. Lumaki kang walang kasingganda at nalagay sa katayuan ng isang reyna. Natanyag sa lahat ng bansa ang iyong kagandahan sapagkat lalo itong pinatingkad ng mga palamuting iginayak ko sa iyo. “Ngunit naging palalo ka dahil sa iyong kagandahan. Kaya nahumaling ka sa kahalayan at ang sarili mo'y ipinaangkin sa lahat ng makita mo. Hinubad mo ang bahagi ng iyong kasuotan, ginamit sa pagtatayo ng altar sa mga burol, at doon mo isinagawa ang iyong kahalayan. Wala pang nangyayaring tulad nito at wala nang mangyayari pa sa hinaharap. Hinubad mo rin ang ilan sa magagandang alahas na ginto at pilak na ibinigay ko sa iyo, at ginawang larawan ng mga tao na iyong sinamba. Binalot mo ito ng balabal mong puno ng magandang burda at ginamit mong pabango ang aking langis at insenso. Tinustusan kita ng pinakapinong harina, langis at pulot-pukyutan, ngunit pati tinapay na ibinigay ko sa iyo ay inihandog mo sa kanila. Ang mga anak na ipinagkaloob ko sa iyo ay inihandog mo rin sa iyong diyus-diyosan. Hindi ka pa nasiyahan. Pinatay mo pati aking mga anak at sinunog bilang handog sa iyong diyus-diyosan. Nang gawin mo ang mga kasamaang ito at ang iyong kahalayan ay hindi mo na naisip ang kalagayan mo noong bata ka: hubad, at kakawag-kawag sa sariling dugo.” Sinabi ni Yahweh, “Kahabag-habag ang kasasapitan mo. Pagkat bukod sa mga kasamaang iyo nang nagawa, nagpatayo ka pa ng nakaarkong altar at nagpagawa ng mataas na entablado sa bawat plasa. Nagpagawa ka ng mataas na entablado sa mga panulukan ng daan at doon mo ipinaangkin ang iyong kagandahan sa bawat magdaan. Maraming beses mo itong ginawa. Maraming ulit ka ring nagpaangkin sa Egipto, ang makasanlibutan mong kapit-bansa, kaya labis akong nagalit sa iyo. Dahil dito, paparusahan kita. Babawasan ko ang iyong mana. Ipapasakop kita sa mga Filisteo, ang mga taong namumuhi sa iyo. Sila ma'y muhi sa mahalay mong gawain. “Dahil sa iyong kawalang kasiyahan, napaangkin ka rin sa taga-Asiria. Hindi ka pa nasiyahan dito, maraming beses mo ring ipinaangkin ang iyong katawan sa bansang Caldea, ang lupain ng mga mangangalakal. Ngunit hindi ka pa rin nakuntento rito. “Naging talamak na ang iyong kasamaan! Nagawa mo ang mga bagay na itong angkop lamang gawin ng isang babaing makapal na ang mukha dahil sa kasamaan. Nagpatayo ka ng nakaarkong altar sa mga panulukan ng daan at ng mataas na tayuan sa bawat plasa. At masahol ka pa sa babaing bayaran sapagkat kung minsa'y ikaw pa ang nagbabayad sa umaangkin sa iyong kagandahan. O babaing mangangalunya, mas gusto mo pang pasiping sa iba kaysa iyong asawa. Ang mga lalaki'y nagbabayad sa mga babaing bayaran, ngunit iba ka. Ikaw pa ang nagbabayad sa sinumang gusto mong umangkin sa iyo para lamang magawâ mo ang iyong kahalayan. Kabaligtaran ka ng babaing bayaran. Hindi ikaw ang hinahanap, ikaw ang naghahanap. Hindi ka nagpabayad, ikaw pa ang nagbabayad. Grabe ka talaga. “Kaya nga, babaing ubod ng sama, dinggin mo ang salita ni Yahweh. Ito ang kanyang ipinapasabi: Winaldas mo ang iyong ari-arian, inilagay mo ang iyong sarili sa kahiya-hiyang kalagayan dahil sa pagiging mahalay. Sumamba ka sa mga diyus-diyosan. Pinatay mo't inihandog sa mga ito ang iyong mga anak. Kaya, titipunin ko laban sa iyo ang lahat ng naging mangingibig mo, maging mga minamahal o maging kinapopootan mo. Sa harap nila'y huhubaran kita upang malagay ka sa matinding kahihiyan. Hahatulan kitang tulad sa isang babaing taksil sa asawa at berdugo ng sariling mga anak. At sa tindi ng galit ko sa iyo, paparusahan kita ng kamatayan. Ibibigay kita sa kanila. Gigibain nila ang mga altar mong nakaarko at ang mataas na entablado. Huhubaran ka nila ng iyong kasuotan at alahas. Kaya't iiwan ka nilang hubo't hubad. Ipadudumog ka nila sa makapal na tao. Babatuhin ka nila at ipatatadtad sa tabak. Susunugin nila ang iyong mga bahay at paparusahan sa harapan ng kababaihan. Mapuputol na ang iyong kahalayan at ang pag-upa para lang angkinin ka. Ganyan ko ipararanas sa iyo ang aking matinding galit bunga ng panibugho. Sa gayon, mapapawi ang aking galit at papayapa na ang aking kalooban. Hindi mo na naalala ang kalagayan mo noong ikaw ay bata, bagkus ay ginalit mo ako nang lubusan dahil sa iyong kasuklam-suklam na gawain. Kaya naman, pagbabayarin kita nang husto. “Dahil sa iyong kahalayang ito at sa kasuklam-suklam mong gawain, ilalapat sa iyo ang kasabihang ‘Kung ano ang puno ay siyang bunga.’ Ang iyong ina ay isang Hetea at isang Amoreo naman ang iyong ama. Itinakwil ng iyong ina ang asawa niya't mga anak. Ganoon din ang ginawa ng mga kapatid mong babae, itinakwil ang asawa't mga anak. Ang Samaria na siyang nakatatanda mong kapatid, pati ng kanyang sakop ay nasa gawing hilaga mo. Sa gawing timog naman, ang Sodoma na siya mong kapatid na bata, pati ng kanyang nasasakupan. Hindi ka pa nasiyahang tumulad sa kasamaan ng iyong mga kapatid. Mas masama ka kaysa kanila. “Ako ang buháy na Diyos,” sabi ni Yahweh. “Ang ginawa mo at ng iyong nasasakupan ay hindi ginawa ng kapatid mong Sodoma at ng sakop nito. Tingnan mo ang mga kasalanan ng Sodoma: siya at ang kanyang mga anak ay may maipagmamalaking kayamanan at kasaganaan sa buhay, ngunit hindi sila marunong tumulong sa mga nangangailangan, naging palalo sila. Bukod doon, gumawa sila ng kasuklam-suklam na mga bagay. Nang makita ko ito, pinarusahan ko sila, gaya ng iyong nalalaman. Ang kasalanan naman ng Samaria ay wala pa sa kalahati ng iyong kasalanan. Mas matuwid siya kaysa sa iyo sapagkat mas maraming kasuklam-suklam na gawain ang iyong ginawa kaysa kanya. Sa iyo babagsak ang bigat ng kahihiyang akala mo ay nararapat sa iyong mga kapatid, sapagkat higit na kasuklam-suklam ang iyong gawain. Kaya, mararanasan mo ang kahihiyan at kadustaan, sapagkat sa mga ginawa mo'y lumabas pang mas mabuti kaysa sa iyo ang mga kapatid mo. “Ibabalik ko sa dati ang Sodoma at ang mga sakop nito, ganoon din ang Samaria at ang kanyang nasasakupan; saka pa lamang kita ibabalik sa dati mong kalagayan. Dadanasin mo ang bigat ng parusa at ang kahihiyang bunga ng iyong ginawa. Ito'y magiging pampalubag-loob sa Sodoma at Samaria. Kung maibalik na sa dati ang Sodoma at Samaria, saka lamang kita ibabalik sa dati mong kalagayan. Hindi ba't sinisiraan mo ang Sodoma noong panahon ng iyong kapalaluan, noong hindi pa nalalantad ang iyong kasamaan? Ngayon, ikaw naman ang nalagay sa gayong katayuan. Ikaw ngayon ang usap-usapan ng mga nasasakupan ng Edom. Ikaw ngayon ang kinasusuklaman ng Filisteo. Ngayon ay dadanasin mo ang bigat ng parusang bunga ng iyong mahalay at kasuklam-suklam na pamumuhay.” Ipinapasabi ni Yahweh: “Ilalapat ko sa iyo ang parusang angkop sa pagsira mo sa tipan at pangako. Gayunman, hindi ko na rin kalilimutan ang ginawa kong tipan sa iyo nang ikaw ay bata pa. Ngayon ay gagawa ako ng kasunduan para sa atin, hindi ito masisira kailanman. Kung magkagayon, maaalala mo noong ikaw ay bata pa at mapapahiya ka sa sarili mo kapag nakasama mo na ang mga kapatid mong nakababata at nakatatanda sa iyo. Sila'y isasama ko sa iyo bagaman hindi talagang kabilang sa tipan ko sa iyo. Gagawin ko nga ang aking pakikipagtipan sa iyo. Sa gayo'y makikilala mong ako si Yahweh. Sa sandaling ipatawad ko ang lahat mong kasalanan, matitikom ang bibig mo dahil sa laki ng kahihiyan.” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, bigyan mo ng palaisipan ang Israel, para malaman nila na akong si Yahweh ang nagsasalita sa kanila. Ito ang talinhaga: Isang agila ang dumating sa Lebanon. Mahaba ang pakpak nito at malagung-malago ang balahibong iba't iba ang kulay. Dumapo ito sa isang punong sedar. Pinutol nito ang pinakamataas na sanga niyon, tinangay at itinayo sa lupain at itinanim sa matabang lupa sa tabi ng tubig. Tumubo ito at naging baging na gumagapang sa lupa. Ang mga sanga nito'y nakaturo sa puno at ang ugat ay tumubo nang pailalim. Naging baging nga ito, nagsanga at nagsupling. “Ngunit may dumating na isa pang malaking agila; malapad din ang pakpak at malago ang balahibo. Ang mga sanga at ugat ng baging ay humarap sa agilang ito sa pag-aakalang siya'y bibigyan nito ng mas maraming tubig. Ito'y nakatanim sa matabang lupain sa tabi ng tubig, at maaaring lumago hanggang maging punong balot ng karangalan. Sabihin mong ipinapatanong ko sa kanila: Patuloy kaya itong lalago? Hindi kaya maputol ang mga ugat nito o mabali ang mga sanga at dahil doo'y malanta ang mga usbong? Hindi na kakailanganin ang malakas na tao o ang magtulung-tulong ang marami para mabunot pati ugat nito. Ngunit mabuhay pa kaya ito kung ilipat ng taniman? Kung magbago ng lugar, hindi kaya ito mamatay na parang binayo ng malakas na hangin?” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Itanong mo sa mapaghimagsik na bayan ng Israel kung alam nila ang kahulugan ng palaisipang ito. Sabihin mong ang hari ng Babilonia ay lumusob sa Jerusalem. Binihag nito ang hari roon pati ang mga pinuno, at iniuwi sa Babilonia. Kinuha niya ang isa sa mga pinuno at gumawa sila ng kasunduan at pinanumpang magtatapat dito. Binihag niya ang pamunuan ng lupain para hindi ito makabangon laban sa kanya, bagkus ay ganap na tumupad sa mga tuntunin ng kasunduan. Ngunit ang pinunong pinili ng hari ng Babilonia ay naghimagsik at nagsugo sa hari ng Egipto upang humingi ng mga kabayo at maraming kawal. Akala kaya niya'y magtatagumpay siya? Hindi! Makaiwas kaya siya sa parusa kung gawin niya iyon? Hindi! Tiyak na paparusahan ko siya. Ako ang buháy na Diyos,” sabi ni Yahweh. “Isinusumpa kong mamamatay siya sa Babilonia, sa lupain ng haring nagluklok sa kanya sa trono. Mamamatay siya pagkat hindi niya pinahalagahan ang kanyang salita. Sumira siya sa kanilang kasunduan. Kahit ang makapal na kawal ng Faraon ay walang magagawa laban sa mga itinayong tore at mga tanggulan upang sila'y wasakin. Hindi siya makakaiwas; sumira siya sa kasunduan at pagkatapos ay hindi tumupad sa pangako.” Ipinapasabi pa ni Yahweh: “Ako ang Diyos na buháy. Paparusahan ko siya sa pagbale-wala niya sa aking sumpa at sa pagsira sa aking tipan. Susukluban ko siya ng lambat at masusuot siya sa kaguluhan. Dadalhin ko siya sa Babilonia upang doon parusahan dahil sa pagtataksil niya sa akin. Ang mga pili niyang tauhan ay mamamatay sa tabak at ang matitira'y ikakalat ko sa lahat ng dako. Kung magkagayo'y maaalala mo na akong si Yahweh ang maysabi nito.” Ito nga ang ipinapasabi ni Yahweh: “Kukuha ako ng isang usbong ng sedar at aking iaayos. Ang kukunin ko'y ang pinakamura ng pinakamataas na sanga. Itatanim ko ito sa isang mataas na bundok, sa pinakamataas na bundok ng Israel upang lumago at mamungang mabuti at maging isang kahanga-hangang sedar. Sa gayon, lahat ng uri ng hayop ay makakapanirahan sa ilalim nito. Ang mga ibon nama'y makapamumugad sa mga sanga nito. Kung magkagayon, malalaman ng lahat ng punongkahoy na maibababâ ko ang mataas na kahoy at maitataas ko ang mababa; na mapapatuyo ko ang sariwang kahoy at mapapanariwa ko ang tuyong punongkahoy. Akong si Yahweh ang nagsasabi nito at ito'y gagawin ko.” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ano ba ang ibig ninyong sabihin sa kasabihan ninyong, ‘Mga magulang ang kumain ng ubas na maasim, ngunit mga anak ang nangingilo ang mga ngipin’?” “Ako ang buháy na Diyos,” sabi pa ni Yahweh, “hindi ninyo magagamit ngayon ang kasabihang ito sa Israel. Akin ang buhay ng lahat ng tao, maging sa ama o sa anak, at ang kaluluwang magkasala ay mamamatay. “Halimbawa na may isang taong masunurin sa Kautusan, tapat at lumalakad sa katuwiran. Hindi siya nakikisalo sa handog na inihain sa mga sagradong burol, hindi sumasamba sa mga diyus-diyosan ng Israel. Hindi siya nangangalunya ni sumisiping sa babaing kasalukuyang nireregla. Hindi siya nandadaya ng kapwa o nagnanakaw. Ibinabalik niya agad sa may-ari ang sangla ng nangungutang sa kanya. Marunong siyang tumulong sa nangangailangan. Hindi siya nagpapatubo sa pagpapahiram ng pera. Siya ay makatarungan. Sinusunod niya ang aking mga utos at mga tuntunin. Ang ganitong tao ay matuwid at mabubuhay siya. “Sakaling magkaanak siya ng magnanakaw, mamamatay-tao at hindi sumunod sa alinman sa mga tuntuning ito, bagkus ay nakikisalo sa mga handaan sa mga sagradong burol, sumisiping sa asawa ng iba, nang-aapi ng mahihirap, nagnanakaw, hindi marunong magbayad ng utang, sumasamba sa diyus-diyosan, gumagawa ng mga kasuklam-suklam na gawain, at nagpapatubo. Palagay ba ninyo'y mabubuhay ang anak na ito? Hindi! Tiyak na mamamatay siya dahil sa mga kasuklam-suklam niyang gawain. Kung magkagayon, walang ibang dapat sisihin kundi siya. “Halimbawa namang siya ay may anak. Nasaksihan ng anak na ito ang kasamaan ng kanyang ama, ngunit hindi niya ito pinarisan. Hindi siya nakisalo sa mga handaan sa sagradong burol, hindi sumamba sa mga diyus-diyosan, hindi sumiping sa asawa ng iba. Hindi rin siya gumawa ng masama kaninuman, hindi nanamsam ng sangla, at hindi nagnakaw. Siya ay matulungin sa nangangailangan, lumalayo sa kasamaan, hindi nagpapatubo sa pautang, sumusunod sa aking Kautusan at lumalakad ayon sa aking mga tuntunin. Mabubuhay ang anak na iyon. Hindi siya mamamatay dahil sa kasamaan ng kanyang ama. Ang kanyang ama ay mamamatay sapagkat nagnakaw at gumawa ng masama sa kanyang kapwa. “Maaaring itanong mo kung bakit hindi dapat pagdusahan ng anak ang kasalanan ng ama. Sapagkat matuwid ang mga gawa ng anak, sumunod siyang mabuti sa aking mga tuntunin, kaya dapat siyang mabuhay. Ang nagkasala ang dapat mamatay. Ang anak ay di dapat magdusa dahil sa kasalanan ng ama, at ang ama ay di dapat magdusa dahil sa kasamaan ng anak. Ang matuwid ay mabubuhay dahil sa kanyang pagiging matuwid at ang masama ay mamamatay sa kanyang kasamaan.” “Kung ang isang taong masama ay tumalikod sa kanyang kasamaan, sumunod sa aking mga tuntunin, at gumawa ng mabuti, siya ay mabubuhay. Kakalimutan na ang lahat ng nagawa niyang kasalanan at mabubuhay siya dahil sa kabutihang ginawa niya sa bandang huli. Hindi ko ikinasisiya ang kamatayan ng masama,” sabi pa ni Yahweh. “Ang ibig ko nga, siya'y magsisi at magbagong-buhay. Ngunit kung ang isang taong matuwid ay magpakasama at gumawa ng mga kasuklam-suklam na gawain, hindi siya mabubuhay. Mamamatay siya dahil sa kanyang pagtataksil at sa kasalanang nagawa. Mawawalan ng kabuluhan ang lahat ng kabutihang ginawa niya noong una. “Marahil ay sasabihin ninyong hindi tama itong ginagawa ko. Makinig kayo, mga Israelita: Matuwid ang aking tuntunin, ang pamantayan ninyo ang baluktot. Kapag ang isang taong matuwid ay nagpakasama, mamamatay siya dahil sa kasamaang ginawa niya. At ang masamang nagpakabuti at gumawa ng mga bagay na matuwid ay mabubuhay. Dahil sa pagtalikod sa nagawa niyang kasamaan noong una, mabubuhay siya, hindi mamamatay. Maaari ngang sabihin ninyong hindi tama ang ginagawa ko. Sasabihin ko namang ang ginagawa ninyo ang hindi tama. “Kaya nga, bawat isa sa inyo ay hahatulan ko ayon sa kanyang ginawa. Magsisi nga kayo't tumalikod sa inyong kasamaan bago bumagsak sa inyo ang parusa. Lumayo kayo sa inyong kasamaan at magbagong-buhay sapagkat di kayo dapat mamatay, mga Israelita. Hindi ko gustong mamatay ang sinuman, kaya magpakabuti na kayo upang mabuhay.” Ihayag mo ang iyong panaghoy para sa mga pinuno ng Israel. Sabihin mo: Ang iyong ina ay parang isang leon. Pinalaki niya ang kanyang mga anak, nakatira siyang kasama ng karamihan sa piling ng mababangis na leon. Isa sa kanyang mga anak ay tinuruan niya; kaya ito ay natutong manila at manlapa ng tao. Nang mabalitaan ito ng mga bansa sa paligid, hinuli siya sa patibong, ikinulong at dinala sa Egipto. Naghintay siya nang naghintay hanggang sa mawalan ng pag-asa; kaya, inaruga ang isa pang anak niya, na nang lumaki'y naging isang mabangis na leon. Sumama siya sa ibang leong tulad niya at siya'y natutong manlapa ng tao. Iginuho niya ang mga tanggulan ng kalaban, at kanyang winasak ang kanilang mga bayan. Ang buong lupain, lahat ng mamamayan, ay nangingilabot sa kanyang atungal. At nagkaisa laban sa kanya ang mga bansa sa palibot. Iniumang nila ang kanilang mga lambat at siya ay nahulog sa kanilang patibong. Siya ay ikinulong nila't dinala sa hari ng Babilonia; pinabantayan siyang mabuti. Mula noon, ang ungal niya'y di na narinig sa mga bundok ng Israel. Ang iyong ina ay tulad ng baging ng ubas, itinanim sa tabi ng batis. Sapagkat sagana sa tubig, kaya ito ay lumago at namunga nang marami. Matitigas ang kanyang mga sanga, bagay na setro ng hari. Ito'y tumaas, umabot sa mga ulap. Namumukod nga sa taas, namamalas ng lahat. Ngunit dahil sa matinding galit, ito ay ibinuwal, bunga nito ay nalanta sa ihip ng hangin. Ang puno ay natuyo, sa huli ay sinunog. At ito nga'y itinanim sa disyerto, sa lupaing tuyung-tuyo, kaunti ma'y walang katas. Ang punong iyon ay nasunog, bunga't sanga ay natupok, kaya't wala nang makuhang gagawing setro. Ito ay isang panaghoy at paulit-ulit na sasambitin. Noon ay ikasampung araw ng ikalimang buwan ng ikapitong taon ng aming pagkabihag. Lumapit sa akin ang ilan sa pinuno ng Israel upang sumangguni kay Yahweh. Nang isangguni ko sila, sinabi naman sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa kanilang ipinapatanong ko kung naparito sila upang sumangguni sa akin. Ako ang Diyos na buháy. Sabihin mong huwag silang sasangguni sa akin. Ikaw ang humatol sa kanila. Ikaw na ang magsabi sa kanila ng mga kasuklam-suklam na gawain ng kanilang mga ninuno. Sabihin mong ipinapasabi ko na noong piliin ko ang Israel, ako'y nangako sa kanila. Nagpakilala ako sa kanila sa lupain ng Egipto na akong si Yahweh ang magiging Diyos nila. Ipinangako kong iaalis ko sila sa Egipto at dadalhin sa lupaing inilaan ko sa kanila, isang lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, at pinakamainam sa buong daigdig. Sinabi ko sa kanila noon na talikuran nila ang mga diyus-diyosan ng Egipto at huwag nilang sambahin ang mga iyon sapagkat ako ang Diyos nilang si Yahweh. Ngunit hindi nila ako sinunod, hindi nila ako pinakinggan. Hindi nila tinalikuran ang kasuklam-suklam na mga bagay na iyon ni iniwan ang mga diyus-diyosan ng Egipto. “Binalak ko sanang ibuhos na sa kanila ang aking matinding poot noong nasa Egipto pa sila. Ngunit hindi ko ito itinuloy upang ang pangalan ko'y hindi mapulaan ng mga karatig-bansa ng Israel, mga bansang ninanasa kong makakita sa gagawin kong pag-aalis ng Israel sa Egipto. Inialis ko nga sila roon at dinala sa ilang. Doon, ibinigay ko sa kanila ang Kautusan at mga tuntuning dapat nilang sundin upang sila'y mabuhay. Ibinigay ko rin sa kanila ang mga tuntunin para sa Araw ng Pamamahinga para maalala nila na akong si Yahweh ang nagpapabanal sa kanila. Ngunit maging sa ilang ay naghimagsik sila sa akin, hindi nila sinunod ang aking mga tuntunin. Ang Kautusan kong dapat sundin upang mabuhay sila ay kanilang tinanggihan, bagkus nilapastangan pa nila ang Araw ng Pamamahinga. “At binalak ko na noong iparanas sa kanila ang matinding galit ko para malipol na sila. Ngunit hindi ko ito itinuloy upang ang pangalan ko'y hindi mapulaan ng mga bansang pinag-alisan ko sa Israel. At doon sa ilang, isinumpa kong hindi sila dadalhin sa lupaing ipinangako ko sa kanila, sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, sapagkat tinalikuran nila ang aking Kautusan. Hindi sila lumakad ayon sa aking mga tuntunin, at hindi nila iginalang ang Araw ng Pamamahinga; sila'y sumamba sa kanilang mga diyus-diyosan. Gayunman, kinahabagan ko sila, at hindi nilipol. “At sinabi ko sa kanilang mga anak na huwag nilang tutularan ang masamang pamumuhay ng kanilang mga ninuno, ni susundin ang ginawa nilang mga tuntunin at huwag sasamba sa mga diyus-diyosan. Ako si Yahweh, ang kanilang Diyos. Sinabi kong lumakad sila ayon sa aking mga tuntunin, at sunding mabuti ang aking Kautusan, at pahalagahan nila ang Araw ng Pamamahinga sapagkat ito ang mag-uugnay sa kanila at sa akin, at sa ganito'y makikilala nilang ako si Yahweh, ang kanilang Diyos. Ngunit hindi sila nakinig. Hindi sila lumakad ayon sa aking mga tuntunin ni sumunod sa aking Kautusan na kung sundin ng tao ay magdudulot sa kanya ng buhay. Hindi rin nila pinahalagahan ang Araw ng Pamamahinga. “At inisip ko na namang ibuhos sa kanila ang aking matinding poot. Ngunit hindi ko rin itinuloy ito upang ang pangalan ko'y hindi mapulaan ng mga bansang pinag-alisan ko sa kanila. At sa ilang, isinumpa kong pangangalatin sila sa iba't ibang bansa, sapagkat hindi nila sinunod ang aking mga tuntunin at Kautusan, hindi nila pinahalagahan ang Araw ng Pamamahinga, at nahumaling sila sa mga diyus-diyosan ng kanilang mga ninuno. Kaya't binigyan ko sila ng mga tuntuning hindi magdudulot sa kanila ng buhay. Hinayaan ko na silang mahumaling sa paghahandog sa kanilang mga diyus-diyosan. Binayaan kong ihandog nila pati ang kanilang mga panganay upang sila mismo'y mangilabot. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh. “Kaya, Ezekiel, sabihin mo sa kanila na ito ang ipinapasabi ni Yahweh na kanilang Diyos: Minsan pa'y nilapastangan ako at pinagtaksilan ng inyong mga ninuno. Nang dalhin ko sila sa lupaing ipinangako ko sa kanila, naghandog sila sa mga altar sa mga burol at sa ilalim ng malalagong punongkahoy. Doon sila nagsunog ng kanilang mga handog na siyang dahilan ng pagkapoot ko sa kanila. Doon din nila dinala ang mga handog na inumin. Itinanong ko sa kanila, ‘Ano bang klaseng altar ang pinaghahandugan ninyo sa mga burol? Hanggang ngayon ang matataas na lugar na yaon ay tinatawag na Bama.’ Sabihin mo rin sa kanila, ‘Ipinapasabi ni Yahweh: Gagawin din ba ninyo ang kasuklam-suklam na gawain ng inyong mga ninuno? Hanggang ngayo'y naghahain kayo ng mga handog tulad ng inihain nila at sinunog ang inyong mga anak bilang handog sa mga diyus-diyosan. Bakit ngayon ay sasangguni kayo sa akin? Ako si Yahweh, ang Diyos na buháy; huwag kayong makasanggu-sangguni sa akin.’ “Hindi mangyayari ang iniisip ninyong pagtulad sa ibang bansa, at pagsamba sa diyus-diyosang kahoy at bato.” “Isinusumpa ko,” sabi ni Yahweh, “na gagamitan ko kayo ng kamay na bakal; paparusahan ko kayo at ibubuhos ko sa inyo ang aking matinding poot. Ipapakita ko sa inyo ang aking kapangyarihan. Titipunin ko kayo mula sa mga lugar na pinagtapunan ko sa inyo, at dadalhin sa gitna ng mga bansa upang doon parusahan. Kung ano ang ginawa ko sa inyong mga magulang nang sila'y nasa ilang ng Egipto, gayon ang gagawin ko sa inyo. Susupilin ko kayo para sundin ninyo ang aking tipan. Ihihiwalay ko ang mga mapaghimagsik at makasalanan. Iaalis ko nga sila sa lupaing pinagtapunan ko sa kanila ngunit hindi sila makakapanirahan sa Israel. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.” Sinabi ni Yahweh, “Bayan ng Israel, kung ayaw ninyong makinig sa akin, huwag! Sumamba na kayo sa inyong mga diyus-diyosan hanggang gusto ninyo. Ngunit darating ang araw na hindi na ninyo ako lalapastanganin. Hindi na kayo maghahandog sa inyong mga diyus-diyosan. “Ako'y sasambahin ng buong Israel sa bundok na itinalaga ko,” sabi ni Yahweh. “Doon ninyo ako paglilingkuran. Doon ko kayo pakikiharapan. Doon ko hihintayin ang paghahain ninyo ng mga piling handog. Doon ko tatanggapin ang inyong mga handog pagkatapos ko kayong tipunin mula sa mga lugar na pinagtapunan ko sa inyo, at doon ko rin ipapakita sa mga bansa na ako ay banal. At kung madala ko na kayo sa lupaing ipinangako ko sa inyong mga magulang, makikilala ninyong ako si Yahweh. Doon, maaalala ninyo ang inyong masasamang lakad at gawain. Dahil dito, masusuklam kayo sa inyong sarili. At kung tanggapin ko kayong mabuti at di ko gawin ang nararapat sa inyong masasamang lakad at gawain, makikilala ninyong ako si Yahweh.” At sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, humarap ka sa gawing timog, at magpahayag laban dito at sa kagubatan nito. Sabihin mo sa kagubatan ng timog, dinggin mo ang salita ni Yahweh: Ipalalamon kita sa apoy. Tutupukin ko ang iyong mga punongkahoy, maging sariwa o tuyo. Di mapapatay ang apoy na ito, at lahat ay masusunog nito, mula sa timog hanggang hilaga. Makikita ng lahat na akong si Yahweh ang sumunog niyon at ang apoy nito'y hindi mapapatay.” Sinabi ko, “Yahweh, huwag mong ipagawa iyan sa akin; baka sabihin nilang ako'y nagsasalita nang hindi nila nauunawaan.” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sa Jerusalem ka naman humarap at magpahayag laban sa mga dambana at bigyang babala ang Israel. Sabihin mo, ganito ang sabi ni Yahweh: Ako ay laban sa iyo. Bubunutin ko ang aking tabak at papatayin ang masama't mabuti. Ang pagbunot ko nito ay laban sa lahat ng tao, mula sa timog hanggang sa hilaga. Sa pamamagitan nito'y makikilala ng lahat na akong si Yahweh ang nagbunot ng tabak at hindi ko ito isusuksok muli. Kaya, Ezekiel, manangis kang walang tigil at iparinig mo ito sa kanila. Kapag itinanong nila kung bakit ka nananaghoy, sabihin mong dahil sa balitang iyong narinig. Kapag ito'y nagkatotoo, paghaharian ng takot ang lahat ng tao, mangangalay ang lahat ng kamay, panghihinaan sila ng loob, at mangangalog ang lahat ng tuhod. Dumating na ang panahon at ngayon na.” Sinabi pa sa akin ni Yahweh, “Sabihin mo sa kanila: Ang tabak ay inihasa na at pinakintab. Pinatalim ito upang ipamatay nang walang puknat. Pinakintab upang kumislap na parang kidlat. Walang makakahadlang dito, sapagkat di ninyo dininig ang payo. Ang tabak nga ay pinakintab upang gamitin. Ito'y pinatalim para ibigay sa kamay ng berdugo. Managhoy ka, anak ng tao. Ang tabak na ito'y gagamitin sa aking bayan at sa kanyang mga pinuno. Sila ay papataying kasama ng buong bayan. Kaya, tumangis ka. Susubukin ko ang aking bayan, at kapag di sila nagsisi, ang lahat ng ito'y mangyayari sa kanila. “Magpahayag ka sa kanila. Pumalakpak ka at paulit-ulit na iwasiwas ang tabak. Ang tabak na ito'y pumapatay, naghahasik ng sindak, at pumupuksa. Sa gayon, mababagabag ang kanilang kalooban at marami sa kanila ang mabubuwal. Binabalaan ko sila sa pamamagitan ng tabak na ang kislap ay tulad ng kidlat; handa itong mamuksa. Itataga ito nang kaliwa't kanan, magkabi-kabila. Papalakpak din ako para mapawi ang matindi kong poot. Akong si Yahweh ang maysabi nito.” Sinabi pa sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, gumawa ka ng magkasangang landas na siyang dadaanan ng hari ng Babilonia na taglay ang kanyang tabak. Ang puno nito ay magbubuhat sa isang bayan lamang. Maglagay ka ng palatandaan sa lugar na pinaghiwalayan ng dalawang daan; ang isa ay patungo sa Lunsod ng Rabba, sa Ammon at ang isa ay sa Juda, sa nakukutaang Lunsod ng Jerusalem. Pagdating ng hari ng Babilonia sa sangandaang iyon, hihinto siya upang sumangguni sa kanyang diyus-diyosan. Hahaluin niya ang kanyang mga palaso sa lalagyan, at susuriin ang atay ng hayop na panghandog. Mabubunot niya ang palaso na may tatak na ‘Jerusalem.’ Ito ang hudyat ng paglusob upang wasakin nila ang mga pintuang-bayan, at magtayo ng mga tanggulan. Subalit ito'y hindi paniniwalaan ng mga taga-Jerusalem dahil sa kanilang mga kasunduang pinagtibay. Ngunit ito'y mangyayari para maalala nila ang kanilang kasamaan at magbabala na mahuhulog sila sa kamay ng mga kaaway.” Ito nga ang ipinapasabi ni Yahweh: “Alam na ng lahat ang masasama ninyong gawain at paghihimagsik; kayo'y hinatulan ko na. Pababayaan ko kayong mahulog sa kamay ng inyong mga kaaway. At ngayon, masamang pinuno ng Israel, dumating na rin ang iyong oras, ang pangwakas na parusa sa iyo. Akong si Yahweh ang maysabi nito: Hubarin mo na ang iyong turbante at korona. Mababaligtad na ang dating katayuan: ang hamak ay dadakilain at ang mga namamahala ay aalisin sa tungkulin. Lubusan kong wawasakin ang lunsod sa pamamagitan ng taong pinili ko upang magsagawa nito. “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka laban sa mga Ammonita dahil sa paghamak nila sa Israel. Sabihin mong ako si Yahweh. Ganito ang sabihin mo: Ang tabak ay binunot na upang ipamuksa; pinakintab ito upang kumislap at gumuhit na parang kidlat. Huwad ang kanilang pangitain at kasinungalingan ang kanilang mga pahayag. Ang tabak ay igigilit sa kanilang lalamunan dahil sa kanilang kasamaan. Ito na ang kanilang wakas, ang pangwakas na parusa sa kanila. “Isuksok muli ang tabak. Ikaw ay paparusahan ko sa bayan mong tinubuan. Ibubuhos ko sa iyo ang galit kong nag-aalab na parang apoy. Ibibigay kita sa mga taong walang pakundangan kung pumatay ng kapwa. Tutupukin ka sa apoy. Ang iyong dugo ay mabubuhos sa sariling bayan at wala nang makagugunita pa sa iyo. Akong si Yahweh ang may pahayag nito.” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ikaw na ang humatol sa lunsod na itong puno ng mamamatay-tao. Ipamukha mo sa kanila ang kasuklam-suklam nilang gawain. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko sa kanila: Darating na ang iyong wakas dahil sa pagpatay mo sa maraming tao at pagsamba sa mga diyus-diyosan. Malaki ang pagkakasala mo dahil sa pagdanak ng dugo at sa pagkahumaling sa pagsamba sa diyus-diyosang ikaw na rin ang gumawa. Dumating na ang iyong wakas. Ikaw ay lalaitin at kukutyain ng lahat ng bansa. Aalipustain ka ng lahat ng bansa, malayo o malapit man, dahil sa labis mong kasamaan. “Ang mga pinuno ng Israel ay nagtiwala sa kanilang lakas at walang awang pumapatay. Nawala na ang paggalang sa mga magulang. Inapi ninyo ang mga dayuhan, gayon din ang mga ulila at balo. Winalang-halaga ninyo ang mga bagay na itinalaga para sa akin, pati ang Araw ng Pamamahinga. Nagsinungaling ang ilan upang maipapatay ang kanilang magustuhan. May mga kasamahan kayong kumain ng handog sa mga diyus-diyosan. Ang iba nama'y gumagawa ng mahahalay na gawain. Sa kapulungan ninyo'y may sumisiping sa asawa ng kanilang ama. Ang iba nama'y sumisiping sa babaing kasalukuyang nireregla. Mayroon namang humahalay sa asawa ng kanyang kapwa. May biyenang lalaki na sumisiping sa kanyang manugang at ang iba nama'y sa kanilang kapatid sa ina o sa ama. May nagpapaupa naman upang pumatay ng kapwa, at mayroon pang nagpapatubo nang malaki kung magpautang. Ako'y lubusan na ninyong kinalimutan. “Ngayon, paparusahan ko kayo dahil sa inyong pagnanakaw at pagpatay. Tingnan ko lang kung matatagalan ninyo ang gagawin ko sa inyo. Akong si Yahweh ang maysabi nito at ito'y gagawin ko. Ipapatapon ko kayo sa lahat ng dako, pangangalatin sa iba't ibang bayan. Sa gayon ko puputulin ang inyong kasamaan. Lalapastanganin kayo ng ibang bansa. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, mababa na ang tingin ko sa Israel. Siya'y tulad ng latak ng pinagtunawan ng pilak, tanso, lata, bakal, at tingga, matapos dalisayin sa pugon ang pilak. Kaya nga, sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Kayo ay nahaluan, kaya titipunin ko kayo sa Jerusalem. Kung paanong ang pilak, tanso, bakal, tingga, at lata ay inilalagay sa tunawan upang dalisayin, gayon ang gagawin ko sa inyo. Tutunawin ko kayo sa init ng nag-aalab kong poot. Titipunin ko kayo para ibuhos sa inyo ang aking matinding poot, hanggang sa kayo'y matunaw. Kung paanong ang pilak ay tinutunaw sa pugon, gayon ang gagawin ko sa inyo sa Jerusalem. Kapag naibuhos ko na sa inyo ang matindi kong poot, makikilala ninyong ako si Yahweh.” Muling nagsalita sa akin si Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa mga Israelita na ang lupain ay marumi dahil sa kanilang kasalanan kaya paparusahan ko ito dahil sa pagkapoot ko. Ang mga pinuno niya ay parang leong umuungal habang nilalapa ang kanyang biktima. Pumapatay sila ng maraming tao, nananamsam ng mga kayamanan, at maraming babae ang nabalo dahil sa kanila. Ang mga utos ko'y nilabag ng kanilang mga pari. Winawalang-halaga nila ang mga bagay na itinalaga para sa akin. Pinagsama-sama na nila ang sagrado at ang karaniwang mga bagay. Hindi na rin nila itinuro kung alin ang malinis at kung alin ang marumi. Winalang-halaga nila ang Araw ng Pamamahinga. Dahil dito, hindi na rin nila ako iginagalang. Ang mga pinuno nila'y parang hayok na asong-gubat kung lumapa ng kanilang biktima. Sila'y walang awang pumapatay upang yumaman. Pinagtatakpan pa ng mga propeta ang ganitong kasamaan, tulad ng maruming pader na pinipinturahan ng kalburo. Mga huwad ang kanilang pangitain at pawang kasinungalingan ang kanilang ipinapahayag. Sinasabi nilang, ‘Ito ang ipinapasabi ni Yahweh,’ kahit hindi ko ipinapasabi. Ang mayayaman ay nandadaya at nagnanakaw. Inaapi nila ang mahihirap, at walang tigil ang panghuhuthot sa mga taga-ibang bayan. Humanap ako ng isang taong makakapaglagay ng pader upang ipagsanggalang ang lunsod sa araw na ibuhos ko ang aking poot, ngunit wala akong makita. Kaya, ibubuhos ko na sa kanila ang nag-aalab kong poot at sila'y aking lilipulin. Sisingilin ko na sila sa masasama nilang gawain.” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, may magkapatid na babae. Sa kanilang kabataan, sila'y naging mahalay sa Egipto. Doon ay hinayaan nilang paglaruan ang maseselang bahagi ng kanilang katawan. Ohola ang pangalan ng matanda at Oholiba naman ang bata. Sila'y parehong naging akin at nag-anak ng marami. Ang Ohola ay ang Samaria, at ang Jerusalem ay ang Oholiba. “Si Ohola ay nagpakasama samantalang nasa aking pagkukupkop. Nakiapid siya sa mga taga-Asiria, mga mandirigmang nakasuot ng kulay ube, mga gobernador, sa mga punong-kawal na puro mga gwapo, at sa mga pinunong mangangabayo. Nakipagtalik siya sa mga piling tauhan ng Asiria, at nakiisa sa pagsamba at paglilingkod sa diyus-diyosan ng mga ito. Patuloy siyang nagpakasama. Noong kabataan niya sa Egipto, siya'y sumiping sa mga kabinataan. Binayaan niyang simsimin ang kanyang bango at ibuhos sa kanya ang kanilang matinding pagnanasa. Kaya, pinabayaan ko na siya sa kamay ng Asiria na kanyang mangingibig. At siya'y ginahasa nito. Pinatay siya sa tabak, pati ang kanyang mga anak. At siya ay naging usap-usapan ng mga kababaihan. Ang parusa ay ipinaranas na sa kanya. “Nakita ito ni Oholiba. Naging mas masama siya kaysa kanyang kapatid. Nahumaling din siya sa mga taga-Asiria: sa mga gobernador, punong-kawal, mandirigmang larawan ng kapangyarihan, mangangabayo na pawang kaakit-akit. At nakita kong siya man ay nagpakasamang tulad ng kanyang kapatid. Ngunit hindi pa siya nakuntento roon. Nakakita siya ng larawan ng mga lalaki, nakaukit sa pader; ito'y larawan ng mga pinuno ng Babilonia na nakaguhit ng matingkad na pula. Ang mga ito'y may magagandang pamigkis. Magaganda rin ang palawit ng kanilang mga turbante. Sila ay mga pinuno at mga taga-Babiloniang naninirahan sa Caldea. Nang makita niya ang mga ito, nahumaling siya. Kaya, pinasabihan niya ang mga iyon. At pinuntahan siya ng mga taga-Babilonia. Sinipingan siya ng mga ito at pinagpasasaan. Pagkatapos niyang magpakasaya sa piling ng mga ito, siya ay lumayo na muhing-muhi. Nang makita ko ang hayagan niyang pagpapakasama at pagpapaubaya, namuhi ako sa kanya, tulad ng pagkamuhi ko sa kanyang kapatid. Siya'y aking tinalikuran. Nagpatuloy siya sa pakikiapid tulad ng ginawa niya sa Egipto noong kanyang kabataan. Doo'y nahumaling siya sa mga kalaguyo na kung manibasib ay parang asno at kung magbuhos ng binhi ay parang kabayo. Ang ginagawa mo'y tulad ng ginawa mo sa pakikiapid sa Egipto. Hinayaan mong simsimin ang iyong bango at himas-himasin ang iyong mga dibdib. “Kaya nga, Oholiba, ito ang sinasabi ko sa iyo: Ngayon, ang kinamuhian mong mga kalaguyo ay inudyukan ko laban sa iyo. Ipapalusob kita sa kanila mula sa iba't ibang dako. Darating ang mga taga-Babilonia, Caldea, Pecod, Soa, Koa, at lahat ng taga-Asiria; ang makikisig na kabinataan, gobernador, punong-kawal, pinuno at mandirigma na pawang kabayuhan. Ikaw ay sasalakayin nilang sakay ng mga karwahe at kariton. Magmumula sila sa iba't ibang dako. Sila'y may pananggalang sa braso, at panay naka-helmet. Ipauubaya ko sa kanila ang pagpaparusa sa iyo. Hahayaan kong gawin nila sa iyo ang gusto nila. Ipalalasap ko sa iyo ang tindi ng aking galit. Tatagpasin nila ang iyong ilong at tainga. At ang iyong mga anak ay ihahagis sa apoy. Huhubaran nila kayo ng kasuotan at alahas. Sa ganyang paraan ko puputulin ang iyong mahalay na pamumuhay mula pa nang ika'y nasa Egipto. Sa gayon, hindi ka na mahuhumaling sa mga diyus-diyosan at malilimutan mo na ang Egipto.” Ito ang sinasabi ni Yahweh: “Ipauubaya kita sa mga taong kinamumuhian mo. Ipadarama naman nila sa iyo ang kanilang kalupitan. Sasamsamin nila ang lahat ng iyong ari-arian pati iyong kasuotan. Iiwan ka nilang hubo't hubad. Nagpakasama ka. Nakiapid ka sa mga bansa at nakisamba sa kanilang mga diyus-diyosan. Pinarisan mo ang iyong kapatid kaya naman ipalalasap ko sa iyo ang parusang ipinataw ko sa kanya.” Ito nga ang ipinapasabi ni Yahweh: “Ang iinuman mong saro ng iyong kapatid ay malaki at malalim. Ikaw ay pagtatawanan at tutuyain; pagkat umaapaw ang laman nito. Malalasing ka at matitigib ng kalungkutan, sapagkat ang saro ng Samaria na kapatid mo, ay saro ng pagkatakot at pagkawasak. Iyong uubusin ang laman ng saro, pagkatapos, babasagin mo ito at susugatan ang iyong dibdib.” Kaya nga ipinapasabi ni Yahweh: “Dahil sa iyong paglimot at pagtalikod sa akin, pagdurusahan mo ang iyong pakikiapid at mahalay na pamumuhay.” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, hahatulan mo na ba sina Ohola at Oholiba? Ipamukha mo sa kanila ang kasuklam-suklam nilang gawain. Sila'y naging mamamatay-tao at mapangalunya. Pinatay nila ang kanilang mga anak at inihandog sa kanilang diyus-diyosan. Bukod dito, pinarumi pa nila ang aking Templo at winalang-halaga ang Araw ng Pamamahinga. Sinalaula nila ang aking Templo nang sila'y pumasok dito pagkatapos ihandog sa diyus-diyosan ang kanilang mga anak. “Paulit-ulit pa silang nagpasundo ng mga lalaki mula sa malalayong dako. Nagpaayos pa silang mabuti para sa mga iyon: naglinis sila, nagkulay ng mata, at naglagay ng mga hiyas. Nagpagawa pa sila ng isang magarang pahingahan, at ng isang mesang ubod ng ganda at doon inilagay ang kamanyang at langis na ibinigay ko sa kanila. Napapaligiran sila ng mga taong nagkakaingay sa tuwa. Naroon din ang mga karaniwang tao mula sa ilang. Ang mga babae ay sinuotan nila ng pulseras at pinutungan ng magagandang korona. “Nasabi ko sa aking sarili: Ang babaing iyon ay tumanda na sa pakikiapid. Gayunpaman, marami pa ring nakikipagtalik sa kanya sapagkat ang paglapit sa kanya'y tulad ng paglapit ng isang lalaki sa isang babaing mahalay. Ganoon sila lumalapit kina Ohola at Oholiba para isagawa ang kanilang kahalayan. Ngunit hahatulan sila ng mga taong matuwid dahil sa kanilang pangangalunya at pagpatay, sapagkat mapakiapid sila at ang mga kamay nila'y tigmak ng dugo.” Kaya nga, ito ang ipinapasabi ni Yahweh: “Ipapalusob na sila sa naghihintay na hukbo upang sila'y takutin at pagnakawan. Sila'y babatuhin ng malaking hukbong yaon at gagamitan ng tabak. Papatayin sila pati kanilang mga anak, at susunugin ang kanilang mga tirahan. Sa ganitong paraan ko wawakasan ang kahalayan sa lupaing iyon upang magsilbing babala sa mga kababaihan, at nang walang sumunod sa kanilang hakbang. Pagbabayaran ninyong magkapatid ang inyong kahalayan, at daranasin ang bigat ng parusa sa pagsamba sa diyus-diyosan. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.” Nang ikasampung araw ng ikasampung buwan ng ikasiyam na taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ni Yahweh: “Ezekiel, anak ng tao, isulat mo ang araw na ito, sapagkat ngayon ay pasisimulan ng hari ng Babilonia ang pagkubkob sa Jerusalem. Ilahad mo ang isang talinhaga tungkol sa mapaghimagsik na bayan ng Israel. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Magsalang ka ng palayok at punuin ng tubig. Ilagay rito ang mga piling bahagi, ang hita at pitso, at punuin din ng maiinam na butong lagain. Kunin ang karneng ito sa piling tupa; isalang at gatungan. Pakuluan nang pakuluan ang mga laman at butong ito.” Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: “Kawawa ka, lunsod na mamamatay-tao, kalderong puno ng kalawang na hindi na matatanggal. Pira-piraso mo itong hanguing lahat. Sariwa pa ang dugong kanyang pinadanak sa lunsod. Ito'y sa bato pinatulo at di sa tuyong lupa upang matabunan sana ng alikabok. Iniwan ko ang dugo sa ibabaw ng malaking bato upang hindi maitago. Sa gayon, madali akong makapaghihiganti.” Kaya nga, ipinapasabi pa ni Yahweh: “Kawawa ka, lunsod na mga mamamatay-tao! Ako ma'y magbubunton ng kahoy na panggatong. Dagdagan ninyo ito ng kahoy at sindihan upang pakuluang mabuti ang lahat ng laman hanggang matuyo ang sabaw at masunog pati mga buto. Pagkatapos, ang kaldero ay ipapatong ko sa maraming baga hanggang sa magbaga rin ito. Sa gayon, malulusaw ang dumi nito, kung masusunog ang kalawang. Gayunman, ang lahat ng kalawang ay di rin maaalis ng apoy. Ang kalawang mo ay ang iyong kahalayan, Jerusalem. Nililinis kita ngunit ayaw mo. Kaya, hindi ka na lilinis hanggang hindi ko naibubuhos sa iyo ang aking matinding galit. Akong si Yahweh ang maysabi nito at ito'y tiyak na gagawin ko. Hindi ko ito iuurong, wala akong paliligtasin. Hindi ko kayo panghihinayangan. Paparusahan ko kayo ayon sa inyong masamang gawa.” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sa isang iglap ay kukunin ko ang taong pinakamamahal mo ngunit huwag mong itatangis ni iluluha. Maaari mong daanin sa buntong-hininga ngunit tibayan mo ang iyong loob. Manahimik ka at huwag iparirinig ang iyong pagtangis. Huwag kang lalakad nang walang sapin sa paa at lambong sa ulo, na tanda ng pagluluksa. Huwag mong tatakpan ang iyong mukha ni kakain ng pagkain ng mga upahang taga-iyak.” Umaga nang ako'y magsalita sa mga Israelita. Kinagabihan, namatay ang aking asawa. Kinaumagahan, ginawa ko ang iniutos sa akin ni Yahweh. Tinanong ako ng mga tao, “Ano ang ibig mong sabihin sa ginagawa mong ito?” Sinabi ko sa kanila, “Sinabi sa akin ni Yahweh na sabihin ko sa sambahayan ng Israel ang ganito: ‘Ang aking Templo na siyang sagisag ng inyong kapangyarihan at kasiyahan ay sasalaulain ko, at papatayin sa tabak ang inyong mga anak. Tularan ninyo ang ginagawa ko: huwag kayong magluluksa ni malulungkot. Mag-ayos kayong tulad ng dati, nakaturbante at panyapak. Huwag kayong tatangis o luluha. Dahil sa inyong kasamaan, mangangayayat sa matinding himutok ang bawat isa sa inyo. Sinabi ni Yahweh na ang mangyayari kay Ezekiel ang magiging babala sa inyo. Kung mangyari na ang lahat, tularan ninyo ang kanyang ginagawa. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.’ “Ezekiel, anak ng tao, aalisin ko sa kanila ang matibay nilang Templo na siya nilang ipinagmamalaki at kasiyahan, gayon din ang kanilang mga anak. Sa araw na iyon, isang takas ang magbabalita sa iyo ng mga pangyayari. Sa araw na yaon, makapagsasalita ka na muli; makakausap mo na ang takas na iyon. Ikaw nga ang magiging pinakababala sa kanila. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, humarap ka sa mga anak ni Ammon at magpahayag laban sa kanila. Sabihin mo sa kanila na dinggin ang salita ni Yahweh: Natuwa kayo nang makita ninyong nilapastangan ang aking Templo, nang wasakin ang lupain ng Israel, at pangalatin ang mga taga-Juda. Dahil dito, kayo ay ipapasakop ko sa mga taga-silangan, at sila'y maninirahang kasama ninyo. Sila'y makakahati ninyo sa inyong pagkain at inumin. Ang Rabba ay gagawin kong pastulan ng mga kamelyo, at ang mga lunsod ng mga anak ni Ammon ay pastulan ng mga tupa. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.” Ipinapasabi nga ni Yahweh: “Ikaw ay pumalakpak at lumundag sa kagalakan, bilang pagkutya sa Israel. Dahil diyan, paparusahan kita. Pababayaan kong lusubin ka at looban ng ibang bansa. Ikaw ay ganap na mawawasak, anupa't hindi ka na kikilanling isang bansa. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.” Ito naman ang ipinapasabi ni Yahweh sa Moab: “Sinabi mong ang Juda ay karaniwan lamang, tulad ng ibang bansa. Dahil dito, wawasakin ko ang Beth-jesimot, Baal-meon, at Kiryataim, ang mga lunsod na ipinagmamalaki mo sa iyong hangganan. Kasama ito ng mga anak ni Ammon na ipapasakop ko sa mga taga-silangan hanggang sa ganap na malimutan ng daigdig. Paparusahan ko rin ang buong Moab. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.” Ito ang ipinapasabi ni Yahweh sa Edom: “Pinaghigantihan mo ang Juda at ito'y kasalanan mong hindi mapapawi kailanman. Dahil dito, paparusahan kita. Papatayin ko ang iyong mga mamamayan at mga hayop hanggang sa ikaw ay maging pook ng kapanglawan. Mula sa Teman hanggang Dedan, lahat ay papatayin ko sa tabak. Paghihigantihan kita sa pamamagitan ng bayan kong Israel. Sila ang gagawa sa iyo ng dapat kong gawin dahil sa matinding poot ko sa iyo. Sa gayon, malalaman mo kung gaano katindi akong maghiganti.” Ito naman ang ipinapasabi ni Yahweh sa mga Filisteo: “Pinaghigantihan mo ang Israel at ibig mong lipulin dahil sa matagal na ninyong alitan. Dahil dito, paparusahan ko kayo. Lilipulin ko ang mga taga-Creta pati ang naninirahan sa baybay-dagat. Paparusahan ko sila nang mabigat bilang paghihiganti, at madarama nila ang tindi ng aking galit. Sa gayon, malalaman nilang ako si Yahweh.” Noong unang araw ng buwan, ng ika-11 taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ni Yahweh: “Ezekiel, anak ng tao, nang mawasak ang Jerusalem, sinabi ng Tiro: ‘Ngayong bagsak na ang pangunahing bansa, ako naman ang uunlad.’ Dahil dito, sabihin mo sa kanyang ito ang ipinapasabi ko: Tiro, ako'y laban sa iyo. Ipapalusob kita sa maraming bansa, tulad ng paghampas ng maraming alon sa dagat. Iguguho nila ang iyong kuta at ibabagsak ang iyong mga toreng bantayan. Kakalkalin ko ang iyong lupa hanggang sa bato ang matira. Magiging bilaran ka na lamang ng lambat sa gitna ng dagat at hahamakin ka ng kapwa mo bansa. Akong si Yahweh ang maysabi nito. Ang mga mamamayan sa kalakhan ng bansa ay papatayin sa tabak. Sa gayon, makikilala mong ako si Yahweh.” Ipinapasabi nga ni Yahweh: “Ang Tiro ay ipasasalakay kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia, ang pinakamakapangyarihang hari. Mula sa hilaga, darating siya kasama ang isang malaking hukbo at maraming karwahe at mangangabayo. Mapapatay sa digmaan ang mga nakatira sa kalakhang bahagi ng bansa. Gagawa sila ng mga hukay na pagkukublihan at iba pang kanlungan. Kukubkubin ka ng mga kawal na ang mga kalasag ay parang matibay na pader. Ang iyong pader ay iguguho sa pamamagitan ng malalaking pambayo at ang toreng bantayan ay ibubuwal sa pamamagitan ng kagamitang bakal. Hindi ka makikita sa kapal ng alikabok dahil sa dami ng kanyang kabayong gagamitin sa pagsalakay sa iyo. Mayayanig ang iyong pader sa yabag ng mga kabayo, karwahe at kawal. Ang mga lansangan mo'y mapupuno ng kanyang mga kabayo, at papatayin sa tabak ang iyong mga mamamayan. Anupa't mabubuwal pati ang pinakamalalaki mong haligi. Sasamsamin niya ang iyong ari-arian. Iguguho niya ang iyong mga tanggulan, gigibain ang iyong magagarang bahay, at itatambak sa dagat ang mga bato at kahoy na gumuho. Dahil diyan, matitigil na ang iyong masasayang awitan gayon din ang pagtugtog mo sa iyong mga lira. Mag-iiwan lamang ako ng malapad na batong bilaran ng mga lambat, at hindi ka na muling itatayo bilang isang lunsod. Akong si Yahweh ang maysabi nito.” Ipinapasabi ni Yahweh sa Tiro: “Ang mga lupain sa baybayin ay mayayanig sa balita ng iyong pagbagsak, sa nakakapangilabot na daing ng mga sugatan, at sa dami ng mamamatay sa iyong mamamayan. Dahil dito, ang mga hari ng mga pulo sa karagatan ay aalis sa kanilang luklukan, maghuhubad ng magagara nilang kasuotan, maglulupasay na nanginginig, at masisindak sa nangyari sa iyo. Aawitin nila para sa iyo ang panaghoy na ito: ‘Ang bantog na lunsod ay nawasak, pinalubog sa karagatan ang kanyang mga sasakyang-dagat. Dati, ang mga mamamayan niya ang kinasisindakan sa karagatan. Sila ay naghasik ng takot sa mga bayan sa baybay-dagat. Ngayon, ang lahat ng pulo ay nangingilabot dahil sa kanyang sinapit. Oo, ang mga mamamayan nito'y pawang natatakot dahil sa balita ng kanyang pagkawasak.’” Sapagkat sabi ni Yahweh: “Gagawin kitang pook na mapanglaw, tulad ng isang lugar na walang nakatira. Palulubugin kita sa tubig, tulad ng itinapon sa pusod ng dagat, tulad ng mga namatay noong unang panahon. Pananatilihin kita sa walang hanggang kalaliman para hindi na mapanahanan ninuman. Daranasin mo ang kakila-kilabot na wakas at ganap kang mawawala. Hahanapin ka ngunit hindi na matatagpuan.” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, awitan mo ng panaghoy ang Tiro. Sabihin mo sa kanya: Lunsod ng Tiro, lunsod na nasa bunganga ng dagat, at nakikipagkalakalan sa mga bansa sa malalayong dako. Ito ang ipinapasabi sa iyo ni Yahweh: ‘Tiro, ipinagmamalaki mo ang iyong kagandahan at sinasabing wala kang kapintasan.’ Ang tahanan mo ay ang karagatan. Ikaw ay ginawang tila isang magandang sasakyang-dagat. Mga piling kahoy buhat sa Bundok Hermon ang tablang ginamit, at ang palo ay kahoy buhat sa Lebanon. Ang mga sagwan mo ay ensina buhat pa sa Bashan. Mga tablang sedar buhat pa sa Cyprus ang matibay mong kubyerta at may disenyo pang garing. Hinabing lino buhat sa Egipto ang iyong layag at siya mo ring bandila; telang kulay ube na yari sa Cyprus ang bubong mo. Mga taga-Sidon at Arvad ang iyong tagasagwan, ang mga tripulante'y mga dalubhasa mong tauhan. Ang mga karpintero mo'y sinanay pa sa Biblos. Ang nakipagkalakalan sa iyo ay mga tripulante ng iba't ibang barko. “Mga taga-Persia, Lydia at Libya ang bumubuo ng iyong hukbo. Mga kalasag at helmet nila'y nakapalamuti sa iyong mga dingding. Mga taga-Arvad ang nakapaligid sa iyo, at mga taga-Gamad ang nasa iyong bantayan. Ang kanilang mga kalasag at helmet ang lumulubos sa iyong kagandahan. “Ang Tarsis ay nakipagkalakalan sa iyo. Ang kanyang minang pilak, bakal, lata, at tingga ay ipinagpalit niya sa mga pangunahing paninda mo. Ang Javan, Tubal at Meshec ay nagdala sa iyo ng mga alipin at kagamitang tanso bilang kapalit ng iyong mga produkto. Kabayo at asno naman ang ibiniyahe sa iyo ng Beth-togarma. Nakipagkalakalan din sa iyo ang mga taga-Rodes. Maraming lugar sa baybayin ang dinalhan mo ng paninda; garing at pangil naman ng elepante ang kanilang ipinalit. Nakipagkalakalan din sa iyo ang Siria; esmeralda, purpurang pinong lino na nabuburdahan nang maganda, batong koral, at pulang rubi ang ipinalit niya sa mga pangunahin mong produkto. Trigo naman, olibo, pulot-pukyutan, langis, at balsamo ang ipinalit ng Juda at Israel sa mga kalakal mo. Ang Damasco ay nagdadala sa iyo ng inumin na yaring Helbon, puting lana, inuming yaring Uzal na siyang pamalit sa kinuha niya sa iyo; mga kagamitang yaring bakal, akasya at kalamo ang iyong inaangkat. Magagaspang na lanang panapin naman ang dinala sa iyo ng Dedan. Ang Arabia naman at ang mga pangunahin ng Kedar ang pinanggalingan ng kailangan mong kordero, tupang lalaki, at mga kambing. Nakipagkalakalan din sa iyo ang Seba at Raama; ang dala nila'y lahat ng uri ng piling pabango, mamahaling bato, at mga ginto. Nakipagkalakalan din sa iyo ang Haran, Cane, Eden, Assur, at Kilmad. Mamahaling damit na asul at burdado, alpombrang magaganda at iba't ibang kulay at natataliang mabuti ng kordon. Ang mga ito ang ibinibiyahe nila sa iyo. Mga malalaking barko ang pambiyahe mo ng iyong mga produkto. “Ikaw ay punung-puno ng mabigat na kalakal sa gitna ng karagatan. Dinadala ka ng mga tagasagwan mo sa iba't ibang lugar, ngunit binayo ka ng hanging mula sa silangan, at nawasak sa gitna ng dagat. Ang iyong kayamanan, kalakal, mga marinero, kapitan, tagakumpuni, mangangalakal, at mga kawal ay kasama mong nalubog sa dagat nang ikaw ay mawasak. Mga lugar sa baybayin ay nayanig sa sigaw ng mga tagasagwan mong nalulunod sa gitna ng tubig. “Wala nang tao isa man sa mga barko; nag-alisan na ang mga tripulante. Tinangisan ka nila nang buong kapaitan. Nilagyan nila ng alabok ang kanilang ulo saka gumulong sa bunton ng abo. Nag-ahit sila ng ulo. Pagkatapos, nagbihis ng damit-panluksa at nanangis nang kapait-paitan. Ang panaghoy nila'y hinaluan pa ng panaghoy: ‘Sino ang nawasak sa gitna ng dagat na tulad ng Tiro?’ tanong nila. Ang mga kalakal mo ay pantugon sa pangangailangan ng marami. Dahil sa yaman mo at paninda ay bumuti ang buhay ng mga hari. Ngayon, ikaw ay wasak na sa gitna ng karagatan. Lumubog na kasama mo ang iyong mga produkto at mga tauhan. Ang lahat sa baybay-dagat, pati nasa katihan, ay nagtatakang natatakot sa iyong sinapit. Katapusan mo na, mawawala ka na nang lubusan. Lahat ng mangangalakal sa daigdig ay takot na takot at baka matulad sila sa iyong sinapit.” Sinabi sa akin ni Yahweh: “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa pinuno ng Tiro na ito ang ipinapasabi ko sa kanila: Sa iyong kapalaluan ay sinabi mong isa kang diyos. Nakaluklok kang parang diyos sa gitna ng karagatan bagama't ang totoo'y hindi ka diyos kundi tao lamang. Pinipilit mong abutin ang isipan ng isang diyos. Akala mo'y matalino ka pa kay Daniel. Akala mo'y alam mo ang lahat ng bagay kahit pa anong lihim. Sa dunong mo't kaalaman ay nagkamal ka at nakapagbunton ng pilak at ginto. Sa iyo ngang nalalaman sa larangan ng kalakal, patuloy na lumaki ang iyong kayamanan. Dahil dito, naging palalo ka. Kaya naman ito ang ipinapasabi ng Diyos na si Yahweh: Pagkat pilit mong ipinapantay sa Diyos ang sarili, ipapalusob kita sa pinakamalupit na kaaway sa daigdig. Wawasakin nila ang lahat ng ari-arian mo na pawang kinamtan sa tusong pamamaraan. Ihuhulog ka niya sa walang hanggang kalaliman, papatayin at ihahagis sa pusod ng dagat. Sa harap kaya ng mga papatay sa iyo ay masabi mo pang ikaw ay diyos? Doon mo malalamang ikaw pala ay tao lang at may kamatayan. Parang aso kang papatayin ng mga dayuhan. Akong si Yahweh ang maysabi nito.” Sinabi sa akin ni Yahweh: “Ezekiel, anak ng tao, tangisan mo ang sasapitin ng hari ng Tiro. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Ikaw ay larawan ng kasakdalan. Puspos ng kaalaman. Ang ganda mo'y walang kapintasan. Tulad mo'y nasa paraiso ng Diyos, sa hardin ng Eden. Nababalot ka ng iba't ibang uri ng batong mamahalin: sardiyo, topaz at diyamanteng nagniningning; berilo, onise at jasper na walang kahambing; safiro, esmeralda at karbungko. Ginto ang iyong enggasto. At ang pagkaukit dito ay inihanda noong una pa, nang isilang ka sa mundo. Kerubin ang itinalaga kong magbabantay sa iyo. Nasa ituktok ka ng aking banal na bundok. Ang nilalakaran mo'y mga batong kumikinang. Wala kang kapintasan mula pa nang isilang hanggang sa maisipan mong mamuhay sa kasamaan. Nang lumakas ang kalakal mo, natuto kang sumuway at namuhay sa kasalanan. Kaya, ipinagtabuyan ka mula sa aking banal na bundok. Pinalayas ka ng kerubin sa kinatatayuan mong mga batong kumikinang. Naging palalo ka dahil sa iyong kagandahan. Ginamit mo sa kasamaan ang iyong karunungan para mapatatag ang iyong katayuan. Kaya ibinagsak kita sa lupa upang maging babala sa ibang mga bansa. Dahil sa masamang pamamaraan ng iyong pangangalakal, nasalaula ang Templo at nadumihan. Kaya ipinatupok kita sa apoy. Nilamon ka nga nito at nakita ng lahat na ikaw ay naging abo. Katapusan mo na. Mawawala ka na nang lubusan. Lahat ng bansang nakakakilala sa iyo ay takot na takot na matulad sila sa iyong sinapit.” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, humarap ka sa Sidon at magpahayag laban sa kanya. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Sidon, ako ay kaaway mo. Pupurihin ako ng mga tao dahil sa gagawin ko sa iyo. Pagkatapos kong parusahan ang lahat ng naninirahan sa iyo, makikilala nilang ako si Yahweh at ipapakita ko na ako ay banal. Padadalhan kita ng mga sakit. Ang mga lansangan mo ay matitigmak ng dugo. Sa kabi-kabila, patay ang makikita dahil sa pagkumpay ng tabak nang walang pakundangan at makikilala ninyong ako si Yahweh.” Sinabi ni Yahweh, “Alinman sa mga bansang humahamak noon sa Israel ay hindi na magiging tinik na magpapahirap sa kanya. Kung magkagayon, makikilala nilang ako si Yahweh.” Ipinapasabi pa ng Panginoong Yahweh: “Kapag natipon ko nang muli ang Israel mula sa iba't ibang panig ng daigdig, malalaman ng lahat ng bansa na ako ay banal. Sila'y maninirahan na sa kanilang tunay na lupain, sa lupaing itinalaga ko sa aking lingkod na si Jacob. Doon, magtatayo sila ng kanilang tahanan at magtatanim ng mga halaman. Payapa silang makakapanirahan doon matapos kong parusahan ang mga karatig-bansa na humamak sa kanila. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.” Noong ikalabindalawang araw ng ikasampung buwan ng ikasampung taon ng aming pagkakabihag, sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, harapin mo ang hari ng Egipto. Magpahayag ka laban sa kanya at sa buong Egipto. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Ako'y laban sa iyo, hari ng Egipto. Ikaw na malaking buwayang nagbabad sa tubig. Ikaw na nagsasabing ang Ilog Nilo ay iyo pagkat ikaw ang gumawa nito. Kakawitin ko ang panga mo. Kakapit sa kaliskis mo ang mga isdang kasama mo, at iaahon kita sa tubig, kasama ang mga isdang nakakabit sa iyo. Ihahagis kita sa ilang, pati ang mga isdang kasama mo sa batis. Ihahagis ko nga kayo sa gitna ng bukid. At hindi kayo titipunin, ni ililibing. Hahayaan kitang kainin ng mga hayop sa parang at ibon sa himpapawid. “Sa gayon, makikilala ng lahat ng Egipcio na ako si Yahweh. Mas mabuti pa ang tambo kaysa tulong na ginawa mo sa Israel. Nabali ito nang kanyang hawakan, at tuluyan siyang napilay. Ikaw ay bumagsak nang sumandal sa iyo ang Israel kaya nabali ang balakang nito. Kaya padadalhan kita ng tabak upang puksain ang mga mamamayan mo't mga hayop. Ang buong Egipto ay matitiwangwang at mawawalan ng kabuluhan. Sa gayon makikilala ninyong ako si Yahweh. “Sinabi mong iyo ang Ilog Nilo sapagkat ikaw ang gumawa niyon. Dahil diyan, laban ako sa iyo at sa iyong Ilog Nilo. Ititiwangwang ko ang buong Egipto at gagawin kong walang kabuluhan, mula sa Migdal hanggang Sevene at sa mga hangganan sa Etiopia. Sa loob ng apatnapung taon, walang tao o hayop na tutuntong dito ni titira. Gagawin ko itong pinakamapanglaw sa lahat ng lupain at ang mga lunsod ay apatnapung taon kong pananatilihing isang lugar na pinabayaan. Ang mga Egipcio'y pangangalatin ko sa iba't ibang bansa.” Ipinapasabi ni Yahweh: “Pagkaraan ng apatnapung taon, titipunin ko ang mga Egipcio mula sa lugar na pinagtapunan ko sa kanila. Ibabalik ko sa kanila ang dati nilang kabuhayan, pati ang dati nilang lupain sa katimugan. Doon, sila'y magiging isang mahinang kaharian. Siya'y magiging pinakamahina sa lahat ng kaharian, at kailanma'y hindi siya makahihigit sa iba, pagkat pananatilihin ko silang kakaunti. Hindi na muling aasa sa kanya ang Israel sapagkat maaalala niya na masama ang ginawa niyang paghingi ng tulong sa Egipto. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.” Noong unang araw ng unang buwan ng ikadalawampu't pitong taon ng aming pagkakabihag, sinabi ni Yahweh sa akin: “Ezekiel, anak ng tao, ang mga kawal-Babilonia ay pinahirapang mabuti ng hari nilang si Nebucadnezar laban sa Tiro. Nakalbo na silang lahat sa kabubuhat sa ulo ng mga kagamitan at nagkalyo ang kanilang mga balikat sa kapapasan ngunit wala ring napala. Kaya, ipapasakop ko sa kanya ang Egipto upang samsamin ang kayamanan nito bilang sweldo ng kanyang mga kawal. Ibibigay ko sa kanya ang Egipto bilang kabayaran ng kanyang pagod sa paglilingkod niya sa akin. Kapag nangyari na ang mga ito, palalakasin ko ang Israel, at ikaw, Ezekiel, ang gagawin kong tagapagsalita. Papakinggan ka ng lahat at sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka. Sabihin mo sa kanilang ito ang ipinapasabi ko: Matinding kapighatian sa araw na iyon ang darating, sapagkat malapit na ang araw, ang araw ni Yahweh. Magdidilim ang ulap sa araw na iyon, araw ng paghuhukom sa lahat ng bansa. Sisiklab ang digmaan sa Egipto. Maghahari sa Etiopia ang matinding dalamhati kapag namatay na sa Egipto ang maraming tao, sasamsamin ang kayamanan ng buong bansa at iiwanan itong wasak. “Sa digmaang iyon ay mapapatay ang mga upahang kawal ng Etiopia, Libya, Lydia, Arabia, Kub, at ng aking bayan.” Ipinapasabi nga ni Yahweh: “Mapapahamak ang lahat ng tutulong sa Egipto. Ang ipinagmamalaki niyang lakas ay ibabagsak. Mula sa Migdal hanggang Sevene lahat ay kasama niyang pupuksain sa pamamagitan ng tabak. Siya ay magiging pinakamapanglaw sa lahat ng lupain. At ang lunsod niya'y isang pook na wasak na wasak. Kapag ang Egipto ay akin nang tinupok at ang mga kakampi niya ay namatay nang lahat, makikilala nilang ako si Yahweh. “Sa araw na iyon, ang mga tagapagbalita'y isusugo kong sakay ng mga sasakyang-dagat upang bigyang babala ang Etiopia na wala pa ring kabali-balisa. Sila'y paghaharian ng matinding kapighatian dahil sa pagkawasak na sasapitin ng Egipto; ang araw na iyon ay mabilis na dumarating.” Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: “Ang kasaganaan ng Egipto'y wawakasan ko na sa pamamagitan ng Haring Nebucadnezar. Siya at ang malulupit niyang kawal ang susuguin ko upang wasakin ang Egipto. Tabak nila'y ipamumuksa sa buong lupain. Pagdating ng araw na iyon, makikitang naghambalang ang mga bangkay sa buong lupain. Tutuyuin ko ang Ilog Nilo at ipapasakop ang Egipto sa masasama. Wawasakin ng mga kaaway ang buong bansa. Akong si Yahweh ang maysabi nito.” Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Dudurugin ko ang mga diyus-diyosan nila. Gayon din ang gagawin ko sa mga rebulto sa Memfis. Wala nang tatayo na pinuno sa Egipto. Takot ang paghahariin ko sa buong lupain. Ang dakong timog ng Egipto ay gagawin kong pook na mapanglaw. Susunugin ko ang Zoan sa hilaga at paparusahan ang punong-lunsod ng Tebez. Ang galit ko'y ibubuhos sa bayan ng Pelusium na tanggulan ng Egipto. Sisirain ko ang kayamanan ng Tebez. Tutupukin ko ang Egipto. Mamamahay ang Pelusium sa matinding pighati. Gigibain ang pader ng Tebez at babaha sa lupain. Ang mga binata ng On at Bubastis ay papatayin sa tabak. Ang mga babae naman ay mabibihag. Ang araw ng Tafnes ay magdidilim sa sandaling wakasan ko ang pananakop ng Egipto, at ang kapangyarihan niya'y putulin ko na. Matatakpan siya ng ulap, at mabibihag ang kanyang mamamayan. Ganyan ang parusang igagawad ko sa Egipto. Akong si Yahweh ay makikilala nilang lahat.” Noong ikapitong araw ng unang buwan ng ikalabing isang taon ng pagkakabihag sa amin, sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, pipilayin ko ang braso ng hari ng Egipto. Hindi ko ito pagagalingin para hindi na makahawak ng tabak. Ito ang sinasabi ko: Ako'y laban sa hari ng Egipto. Babaliin ko pa ang isa niyang kamay para mabitiwan ang kanyang tabak. Ang mga Egipcio'y pangangalatin ko sa iba't ibang bayan, ipapatapon sa lahat ng panig ng daigdig. Palalakasin ko ang pwersa ng hari ng Babilonia at aalisan ko naman ng kapangyarihan ang hari ng Egipto hanggang sa maging sugatan siya at umuungol na malugmok sa harapan ng hari ng Babilonia. Pahihinain ko ang hari ng Egipto ngunit palalakasin ko naman ang hari ng Babilonia. Kapag itinuro niya sa Egipto ang tabak na ibibigay ko sa kanya, malalaman nilang ako si Yahweh. Pangangalatin ko sa lahat ng bansa ang mga Egipcio at ipapatapon sa iba't ibang dako. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh.” Noong unang araw ng ikatlong buwan ng ikalabing isang taon ng aming pagkakabihag, sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa hari ng Egipto at sa kanyang mga tauhan: Ano ba ang nakakatulad mo sa iyong kapangyarihan? Ang katulad mo ay sedar sa Lebanon. Mayayabong ang sanga. Malago ang dahon. Ang taas mo'y walang katulad. Ang dulo ng iyong sanga ay abot sa ulap. Sagana ka sa dilig; may agos pa sa ilalim ng lupang kinatatayuan mo. Ganoon din sa bawat punongkahoy sa gubat. Kaya ito ay tumaas nang higit sa lahat. Ang mga sanga'y mayayabong at mayabong ang dahon sapagkat sagana nga sa tubig. At doon ang mga ibo'y gumagawa ng pugad. Sa lilim nito nagluluwal ng anak ang mga hayop. At ang mga bansa ay sumisilong sa kanya. Anong inam pagmasdan ang maganda niyang kaanyuan. Marami ang sanga. Mayayabong. Malalabay. Mga ugat nito ay abot sa masaganang bukal ng tubig. Hindi ito mahihigtan kahit ng sedar sa hardin ng Diyos, ni maipaparis sa alinmang punongkahoy sa hardin ng Diyos. Ito'y aking pinaganda. Pinayabong ko ang mga sanga. Kaya, nananaghili sa kanya ang mga punongkahoy sa hardin ng Diyos, sa Eden. Kaya't sinasabi ng Panginoong Yahweh, kung ano ang mangyayari sa punongkahoy na itong tumaas hanggang sa nakikipaghalikan sa mga ulap. Ngunit habang tumataas, nagiging palalo siya. Kaya naman, ipapasakop ko siya sa isang makapangyarihang bansa upang maranasan niya ang pahirap na marapat sa kanya. Ibubuwal siya ng mararahas na bansa, saka iiwan. Mga sanga nito ay bali-baling babagsak sa mga bundok, kapatagan at tubigan. Mag-aalisan ang mga taong sumisilong sa kanya. Ang mga ibon ay hahapon sa puno nitong nakabuwal, at ang mga hayop na ilap ay lalakad sa mga sanga nitong naghambalang. Mangyayari ito upang kahit na ang punongkahoy na sagana sa dilig ay hindi na makataas hanggang sa ulap. Silang lahat ay pababayaan kong mamatay tulad ng tao. Sa gayon, lahat ay makakaranas ng kamatayan sa walang hanggang kalaliman.” Ipinapasabi nga ito ni Yahweh: “Kapag naihulog na ito sa daigdig ng mga patay, pababayaan ko siyang lumubog sa tubig sa ilalim ng lupa. Pipigilin ko ang agos ng mga tubig para hindi ito umagos sa ibabaw ng lupa. Dahil sa pagkamatay ng kahoy, babalutin ko ng kadiliman ang Bundok Lebanon at malalanta ang mga kahoy doon. Ang mga bansa'y mayayanig sa lakas ng kanyang pagbagsak sa daigdig ng mga patay. Dahil dito, masisiyahan ang mga kahoy sa walang hanggang kalaliman, ang pinakapiling punongkahoy sa Eden at ang mga piling sedar ng Lebanon. Pare-pareho silang dadalhin sa daigdig ng mga patay para doon sila magsama-sama ng mga namatay na. Anupa't ang lahat ng sumilong sa kanya ay mangangalat sa iba't ibang bansa. “Alin sa mga punongkahoy ng Eden ang maitutulad sa karangalan at kapangyarihan nito? Gayunman, ihuhulog siya sa walang hanggang kalaliman, kasama ng mga punongkahoy ng Eden. Isasama siya sa mga napatay sa digmaan. Ang kahoy na ito ay ang Faraon at ang kanyang mga tauhan.” Noong unang araw ng ikalabindalawang buwan ng ikalabindalawang taon ng pagkakabihag sa amin, sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, managhoy ka para sa hari ng Egipto. Sabihin mo, ikaw ay batambatang leon sa gitna ng maraming bansa. Tulad ka ng buwaya sa mga batis ng Ilog Nilo. Binubulabog mo ang tubig at pinarurumi ng iyong mga paa. Kapag natipon na ang mga bansa, pahahagisan kita ng lambat at ipaaahon sa katihan. Ihahagis ka sa gitna ng parang. Pababayaan kong kainin ka ng mga ibon at hayop. Ang iyong mga laman ay ikakalat sa kabundukan. Ang mga libis ay mapupuno ng iyong bangkay. Ang lupain, kabundukan at mga batis ay matitigmak ng iyong dugo. Sa pagpapaalis ko sa iyo, tatakpan ko ang kalangitan. Tatakpan ko ng makapal na ulap ang mga bituin. Gayon din ang araw; at ang buwan ay hindi na magliliwanag. Ang lahat ng tanglaw sa kalangitan ay pawang matatakpan. Sa lupain nama'y maghahari ang matinding kadiliman. “Maraming bansa ang magúgulo kapag naipamalita kong ikaw ay winasak ng mga bansang hindi mo kilala. Maraming tao ang mamamangha sa nangyari sa iyo; manginginig ang mga hari kapag iwinasiwas ko sa harapan nila ang aking tabak. Ang lahat ay manginginig sa takot kapag nakita nilang ikaw ay aking ibinagsak.” Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh sa hari ng Egipto: “Lulusubin ka ng hari ng Babilonia. Ang mga mamamayan mo ay ipapapatay ko sa mga kawal ng malulupit na bansa. Lilipulin nila ang iyong mamamayan at sisirain ang mga bagay na ipinagmamalaki mo. Papatayin ko ang lahat ng hayop mo sa baybay tubig upang wala nang bumulabog dito. Sa gayon ay lilinaw ang mga tubig nito at aagos na ito nang payapa. Kapag ikaw ay ganap ko nang nawasak at napatay ko na ang lahat ng iyong mamamayan, makikilala mong ako si Yahweh. Ang babalang ito ay magiging awit ng panaghoy. Aawitin ito ng kababaihan para sa buong Egipto. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.” Noong ika-15 araw ng unang buwan ng ika-12 taon ng pagkabihag sa amin, sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, tangisan mo ang mga mamamayan ng Egipto, kasama ng mga bansang makapangyarihan. Ihagis mo sila sa walang hanggang kalaliman upang masama sa mga naroon na. Sabihin mo sa kanila, “Hindi kayo nakahihigit sa iba. Ihuhulog din kayo sa walang hanggang kalaliman, kasama ng mga makasalanan. “Mamamatay ang mga Egipcio, tulad ng mga namatay sa digmaan. Handa na ang tabak na papatay sa kanila. Sila ay buong galak na tatanggapin sa daigdig ng mga patay ng mga bayaning Egipcio at lahat ng nakipaglaban sa panig ng Egipto. Sasabihin nila, ‘Narito na ang mga makasalanang kawal na napatay sa labanan; mamamahinga na ring tulad natin.’ “Naroon ang Asiria, napapaligiran ng mga libingan ng kanyang mga tauhan na pawang namatay sa digmaan. Ang puntod niya'y naroon sa kaloob-looban ng walang hanggang kalaliman, napapaligiran ng kanyang mga kawal na napatay sa labanan. Naghasik sila ng takot sa daigdig noong sila'y nabubuhay pa. “Naroon ang Elam na napapaligiran ng kanyang mga kasamahan na pawang namatay sa digmaan. Dati'y kinatatakutan sila sa daigdig ngunit ngayon sila'y nasa kahiya-hiyang kalagayan sa walang hanggang kalaliman, kasama ng mga nauna na roon. Siya'y kasama ng mga hindi tuli na napatay sa digmaan, napapaligiran ng puntod ng kanyang mga tauhan. Naghasik sila ng takot sa ibabaw ng daigdig at ngayo'y inilagay sila sa kahiya-hiyang kalagayan sa walang hanggang kalaliman kasama ng iba pang napatay sa digmaan. “Naroon ang Meshec at Tubal na napapaligiran ng kanilang mga tauhang hindi tuli na pawang napatay sa digmaan, sapagkat nagpunla sila ng takot sa ibabaw ng daigdig. Hindi sila pinarangalan tulad ng mga bayaning nauna sa kanila sa daigdig ng mga patay. Ang mga bayaning iyon ay inilibing na suot ang kanilang kagayakang pandigma at nasa ulunan ang tabak. Sila ay kinatakutan noong nabubuhay. Gayon mamamatay ang mga Egipcio, kasama ng mga hindi tuli na napatay sa digmaan. “Naroon ang Edom, ang mga hari nito at mga pinuno. Sa kabila ng kanilang tinaglay na kapangyarihan, naroon sila ngayon sa walang hanggang kalaliman, kasama ng mga hindi tuli na napatay sa digmaan. “Naroon ang mga pinunong taga-hilaga at lahat ng taga-Sidon. Inilagay rin sila sa kahihiyan dahil sa takot na inihasik nila bunga ng kanilang kapangyarihan. Kasama sila sa walang hanggang kalaliman ng mga hindi tuli na napatay sa digmaan. “Kapag nakita sila ng Faraon, makadarama siya ng kasiyahan, pagkat siya man at ang kanyang buong hukbo ay pinatay sa pamamagitan ng tabak. Hinayaan ko ang hari ng Egipto na magpunla ng sindak sa mga buháy. Ngunit mamamatay din siya at ang lahat niyang kawal at masasama sa mga hindi tuli na napatay sa digmaan. Ang Panginoong Yahweh ang nagsabi nito.” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ito ang sabihin mo sa iyong mga kababayan: Kapag ipinasasalakay ko ang isang bayan, sila ay kailangang pumili ng isang bantay. Kapag natanawan nito ang sasalakay sa kanila, hihipan niya ang trumpeta bilang babala sa mga tao. Sinumang makarinig sa babala ngunit nagsawalang-bahala at napatay ng mga kaaway, walang pananagutan ang bantay sa kanilang kamatayan. Kasalanan na nila kung mamatay sila sapagkat hindi nila pinansin ang babala; maliligtas sana sila kung sila'y nakinig. Ngunit kung hindi hinipan ng bantay ang trumpeta pagkakita niya sa mga sasalakay at may napatay na kanyang kababayan, ito ay pananagutan niya. “Ikaw, Ezekiel, ang ginagawa kong bantay ng Israel; anumang marinig mo sa akin ay sabihin mo sa kanila bilang babala. Kapag sinabi ko sa taong masama na siya'y mamamatay at di mo ito ipinaalam sa kanya upang makapagbagong-buhay, mamamatay nga siya sa kanyang kasamaan ngunit pananagutan mo ang kanyang kamatayan. Ngunit kapag binigyan mo ng babala ang masama gayunma'y hindi pa rin ito nagbagong-buhay, mamamatay siyang makasalanan ngunit wala kang dapat panagutan.” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo sa mga Israelita ang inuulit-ulit nilang sila'y nagumon na sa kasamaan kaya hindi na sila mabubuhay. Sabihin mong ipinapasabi ko na akong si Yahweh, ang buháy na Diyos, ay hindi nasisiyahan na ang sinuma'y mamatay sa kanyang kasamaan; nais kong siya'y magbagong-buhay. Sabihin mo ngang magbagong-buhay sila pagkat di sila dapat mamatay sa kanilang kasamaan. Ezekiel, anak ng tao, sabihin mo rin sa iyong mga kababayan na ang dating kabutihan ng matuwid ay hindi makakapagligtas sa kanila kung magpakasama sila. Kung ang masama ay magpakabuti, hindi siya paparusahan. Ngunit kung ang mabuti ay magpakasama, paparusahan siya. Sinabi ko nga na ang matuwid ay mabubuhay subalit kung magtitiwala siya sa kanyang kabutihan at nagpakasama, mawawalan ng kabuluhan ang kanyang kabutihan; mamamatay siya sa kasamaang kanyang ginawa. Tungkol sa masama, sinabi kong siya ay mamamatay. Gayunman, kapag tinalikuran niya ang kasamaan at nagbagong-buhay, tumupad sa kanyang pangako, isinauli ang kanyang mga ninakaw, sumunod sa mga tuntunin ng buhay, at hindi na gumawa ng anumang kasamaan, siya ay mabubuhay. Hindi na aalalahanin ang dati niyang kasamaan. At dahil sa kanyang pagpapakabuti, mabubuhay siya. “Ezekiel, sinasabi ng iyong mga kababayan na hindi makatarungan ang ginagawa ko gayong ang pamumuhay nila ang hindi tama. Mamamatay ang matuwid na magpakasama ngunit ang masamang magbagong-buhay at gumawa ng mabuti ay mabubuhay. Gayunma'y sinasabi ninyong hindi matuwid ang aking ginagawa. Mga Israelita, hahatulan ko kayo ayon sa inyong mga gawa.” Nang ikalimang araw ng ikasampung buwan ng ikalabindalawang taon ng aming pagkabihag, isang pugante mula sa Jerusalem ang nagsabi sa akin, “Wasak na ang Jerusalem.” Umaga nang dumating sa akin ang balita. Noong gabi bago ito dumating, nadama ko ang kamay ni Yahweh. Hinipo niya ang aking bibig at ako'y nakapagsalita. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, sinasabi ng mga naninirahan sa wasak na lunsod ng Israel na nag-iisa si Abraham nang ibigay sa kanya ang lupaing ito. Ngayong marami na sila ay kanila na ang lupaing iyon. Sabihin mong ipinapasabi ko: Kumain kayo ng karneng may dugo, sumamba sa mga diyus-diyosan, at pumatay ng tao; sa kabila ba nito'y inaasahan pa ninyong mapapasa-inyo ang lupaing ito? Nanalig kayo sa talim ng tabak, gumawa ng kasuklam-suklam na mga bagay at sinipingan ang asawa ng inyong kapwa; sa kabila ba nito'y inaasahan pa rin ninyong kamtin ang lupain? Sabihin mong ipinapasabi ko na papatayin sa tabak ang lahat ng naninirahan sa wasak na lunsod. Ipalalapa naman sa mga hayop ang nasa kaparangan, at papatayin sa salot ang mga nasa tanggulan at mga taguan. Sisirain ko ang buong lupain, at aalisin ang kapangyarihang ipinagmamalaki nila. Ang matataas na lugar ng Israel ay gagawin kong dakong mapanglaw anupa't ni walang magnanais dumaan doon. Kung mawasak ko na ang buong lupain dahil sa kasuklam-suklam nilang gawain, makikilala nilang ako si Yahweh.” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, nagsasama-sama ang iyong mga kababayan at pinag-uusapan ka sa mga baybay pader at mga pintuan. Sinasabi nila sa isa't isa, ‘Halikayo at tingnan natin kung ano ang ipinapasabi ni Yahweh.’ Sama-sama nga silang pupunta sa iyo upang pakinggan ka ngunit hindi naman nila isasagawa ang kanilang maririnig. Pupurihin nila ang iyong sinasabi ngunit kasakiman din ang maghahari sa kanila. Ituturing ka lamang nilang isang mahusay na mang-aawit at batikang manunugtog. Makikinig sila sa iyo ngunit di naman isasagawa ang kanilang maririnig. Kapag nangyari na ang sinasabi mo sapagkat tiyak namang mangyayari, malalaman nilang may isang propeta ngang nagsabi nito sa kanila.” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka laban sa mga pinuno ng Israel. Sabihin mong ipinapasabi ko: Nakatakda na ang parusa sa inyo, mga pinuno ng Israel. Sarili lamang ninyo ang inyong iniintindi at hindi ang mga tupa. Iniinom ninyo ang gatas, nagdaramit kayo ng lana, at nagpapatay ng mga pinatabang hayop, ngunit hindi ninyo pinapakain ang mga tupa. Bakit hindi ninyo pinapalakas ang mahihina, ni ginagamot ang mga maysakit, ni hinihilot ang mga pilay? Bakit hindi ninyo hinahanap ang nawawala, ni ibinabalik ang nalalayo? Sa halip ay ginagamitan ninyo sila ng kamay na bakal. Sila'y nangangalat, at nilalapa ng mababangis na hayop sapagkat ang mga ito'y walang pastol. Ang mga tupa ko'y nagkalat sa mga bundok, burol at sa lahat ng panig ng daigdig, ngunit walang ibig humanap sa kanila. “Dahil dito, mga pinuno, dinggin ninyo ang aking sinasabi: Ako ang Diyos na buháy. Ang mga tupa ko'y pinipinsala at nilalapa ng mababangis na hayop sapagkat walang nangangalaga sa mga ito. Hindi hinahanap ng mga pastol ang aking mga tupa. Sa halip na alagaan nila ang mga ito, ang sarili nila ang binubusog. Kaya nga makinig kayo, mga pastol. Pakinggan ninyo itong aking sinasabi: Laban ako sa inyo. Pananagutan ninyo ang nangyayari sa aking mga tupa. Hindi ko na kayo gagawing pastol upang hindi na ninyo mabusog ang inyong sarili. Ilalayo ko sa inyo ang aking mga tupa at hindi na ninyo mapapakinabangan ang mga ito.” Ito ang ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Ako mismo ang maghahanap at mag-aalaga sa aking mga tupa. Kung paanong hinahanap ng pastol ang tupa niyang nawawala, gayon ko hahanapin ang aking tupa. Kukunin ko sila saanman sila itinapon noong panahon ng kanilang kasamaan. Titipunin ko sila mula sa iba't ibang dako upang ibalik sa sarili nilang bayan. Doon ko sila aalagaan sa kaparangan ng Israel, sa tabi ng mga bukal ng tubig at sa magagandang pastulan. Aalagaan ko sila sa sariwang pastulan sa tahimik na kaburulan ng Israel. Mamamahinga sila sa sariwang pastulan at manginginain ng sariwang damo sa kaburulan ng Israel. Ako mismo ang magpapastol sa kanila at hahanap ng kanilang pahingahan. Hahanapin ko ang nawawala, ibabalik ang nalalayo, hihilutin ang napilay, palalakasin ang mahihina, ngunit pupuksain ko ang mga malulusog at malalakas. Ibibigay ko sa kanila ang katarungan. “Sa inyo, aking kawan, ito ang sinasabi ng inyong Diyos na si Yahweh: Ako ang magiging hukom ninyo. Hahatulan ko kayo at ibubukod ang mga tupa sa mga kambing. Hindi na kayo nakuntento sa panginginain; sinisira pa ninyo ang di n'yo maubos. Bakit hindi na lang kayo uminom hanggang ibig ninyo? Bakit binubulabog pa ninyo ang tubig na natitira? Ang kinakain ng aking kawan ay ang tinatapak-tapakan pa ninyo at ang iniinom ay ang binulabog ninyong tubig.” “Dahil dito,” sabi ni Yahweh, “ako mismo ang magbubukod-bukod sa malulusog at mahihinang tupa. Ginigitgit ninyo at sinusuwag ang mga mahihina hanggang sa sila'y mangalat kung saan-saan. Dahil dito, ako ang mangangalaga sa aking kawan at hindi ko papayagang sila'y inyong apihin. Ihihiwalay ko ang mabubuti sa masasama. Itatalaga ko sa kanila ang isang hari, tulad ng lingkod kong si David. Siya ang magiging pastol nila. Akong si Yahweh ang magiging Diyos nila at ang mamamahala sa kanila ay isang haring tulad ng lingkod kong si David. Akong si Yahweh ang maysabi nito. “Gagawa ako ng tipan upang mabuhay sila nang mapayapa. Paaalisin ko sa lupain ang mababangis na hayop upang ang mga tupa ko'y magkaroon ng kapanatagan maging sa kaparangan o sa kagubatan man. Pagpapalain ko sila at ang lupain sa palibot ng burol na itinalaga nila sa akin. At pauulanin ko sa kapanahunan. Sila'y pauulanan ko ng pagpapala. Mamumunga ang mga punongkahoy sa kabukiran. Mag-aani sila nang sagana buhat sa kanilang lupain at sila'y mamumuhay doon nang panatag. At kung mapalaya ko na sila mula sa umaalipin sa kanila, makikilala nilang ako si Yahweh. Hindi na sila lolooban ng ibang bansa ni dadaluhungin ng mababangis na hayop. Mamumuhay na sila nang matiwasay at payapa. Pag-aanihin ko sila nang sagana mula sa kanilang matabang lupain para hindi sila dumanas ng gutom ni kutyain ng ibang bansa. Malalaman ng lahat na ako ang nag-iingat sa Israel na aking bayan. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. Kayo ang aking mga tupa sa aking pastulan; ako ang inyong Diyos.” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka laban sa Edom. Sabihin mong ipinapasabi ko: Ako'y laban sa iyo, Bundok ng Edom. Gagawin kitang ilang. Wawasakin ko ang iyong mga lunsod at gagawin kong lugar na mapanglaw. Sa gayon, makikilala mong ako si Yahweh. Lagi mong nilulusob ang Israel at pinuksa mo ang kanyang mamamayan sa panahon ng pagpaparusa sa kanya. Dahil dito, akong si Yahweh, ang Diyos na buháy ay nagsasabi sa iyo na ikaw ay tiyak na mamamatay. Ikaw ay pumatay kaya papatayin ka rin. Gagawin kong ilang ang iyong lupain at sinumang maglakbay roon ay papatayin. Tatambakan ng bangkay ang iyong mga bundok, libis at mga bangin. Gagawin kitang lugar na mapanglaw at ang iyong mga lunsod ay aalisan ko ng mga tao. Sa gayon, makikilala mong ako si Yahweh. “Sinabi mong iyo ang Israel at Juda bagama't alam mong ako ang Diyos nila. Dahil diyan, akong si Yahweh, ang buháy na Diyos, ang nagsasabi sa iyong tiyak na pagdurusahan mo ang iyong pagkagalit, pagkainggit at pagkapoot sa aking bayan. Gagawin ko sa iyo ang ginawa mo sa kanila. Makikilala ninyong ako si Yahweh kapag naparusahan ko na kayo. Sa gayon, malalaman din ninyo na alam ko ang inyong kalapastanganan nang sabihin ninyong ang kaburulan ng Israel ay winasak upang inyong sakupin. Kinalaban ninyo ako at pinagsalitaan nang kung anu-ano. Ito'y hindi lingid sa akin. Wawasakin kita nang lubusan at ito'y ikatutuwa ng buong mundo. Gagawin ko sa iyo ang ikinatuwa mong pagkawasak ng Israel na aking hinirang. Wawasakin kita, Bundok ng Seir, at ito ang magiging wakas ng buong Edom. Sa gayon, makikilala ng lahat na ako si Yahweh.” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka sa kaburulan ng Israel. Sabihin mo: Kaburulan ng Israel, dinggin mo ang salita ni Yahweh: Sinabi sa iyo ng kaaway ninyo na, ‘Mabuti nga,’ at, ‘Ang kanilang mga kabundukan ay sakop na natin.’ Kaya, magpahayag ka. Sabihin mong ito ang ipinapasabi ko: Sinakop ng mga bansa ang kaburulan ng Israel at lubusan itong winasak. Dahil dito, pinagtawanan siya ng lahat. Kaya, ito ngayon ang sinasabi ko tungkol sa mga bundok, burol, bangin, kapatagan at mga lunsod na wasak na naging biktima at katatawanan ng mga bansa sa paligid. Ipinapasabi nga ni Yahweh: Sa pag-iinit ng loob ko dahil sa panibugho, maliwanag kong ipinahayag ang aking galit sa mga bansa, lalo na sa Edom, sapagkat buong pagyayabang niyang sinakop ang aking bayan. Hindi na niya ito iginalang, bagkus ay sinamsam ang lahat ng maibigan niya. Kaya, magpahayag ka tungkol sa Israel. Sabihin mo sa mga bundok, burol, bangin, at kapatagan na ako'y nagsasalita sa tindi ng aking galit dahil sa pagkutyang dinanas nila mula sa ibang bansa. Kaya isinusumpa kong daranas din ng pagkutya ang mga bansa sa iyong paligid. “Kayo naman, mga bundok ng Israel, payabungin na ninyo ang inyong mga sanga at pamungahin nang sagana para sa bayan kong Israel sapagkat uuwi na sila rito. Ako'y inyong kakampi. Bubungkalin at tatamnan ang inyong lupain. Pararamihin ko ang iyong mamamayan. Doon kayo titira sa dati ninyong lunsod at higit ko kayong pasasaganain kaysa noon. Pararamihin ko nga ang mga tao at mga hayop. Marami ang magiging anak nila. Pupunuin kita ng tao, tulad noong una, at higit na maraming mabubuting bagay ang gagawin ko ngayon sa iyo. Sa gayon, makikilala mong ako si Yahweh. Ibabalik ko kayo, mga Israelita, sa dati ninyong bayan. Magiging inyo na iyon at hindi na kayo magugutom. Akong si Yahweh ang nagsasabi: Sinasabi ng mga tao na ikaw ay kumakain ng tao kaya inaagaw mo ang mga mamamayan ng ibang bansa. Ngunit mula ngayon, hindi mo na gagawin iyon, hindi mo na uubusin ang iyong mamamayan. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. Hindi ka na kukutyain ng ibang bansa at hindi na rin hahamakin ng mga tao. Hindi ka na mang-aagaw ng anak ng may anak. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, nang ang Israel ay unang tumira sa kanilang lupain, pinarumi nila ito sa kanilang kasamaan. Kaya, ang pamumuhay nila'y kasuklam-suklam sa akin. At dahil sa dugong pinadanak nila sa lupain, at dahil sa kanilang mga diyus-diyosan, ibinuhos ko sa kanila ang aking matinding poot. Itinapon ko sila at pinangalat sa iba't ibang panig ng daigdig. Ginawa ko sa kanila ang nararapat sa kanila. Ngunit sa mga lugar na kinapuntahan nila, binigyang-daan nila ang mga tao upang hamakin ang aking pangalan. Sinabi ng mga tao sa kanila, ‘Hindi ba sila'y mga mamamayan ni Yahweh, bakit pinaalis sa kanilang bayan?’ Nabahala ako dahil sa banal kong pangalan na ipinahamak ng mga Israelita sa mga dakong kinapuntahan nila. “Kaya, sabihin mo sa Israel na ito ang ipinapasabi ko: Lahat ng ginagawa ko ay hindi dahil sa inyo, mga Israelita, kundi dahil sa banal kong pangalan na inyong hinayaang hamakin sa mga lugar na pinagtapunan ko sa inyo. Ipapakita ko ang kabanalan ng dakila kong pangalan na nalapastangan sa harap ng mga bansa. Makikilala ng lahat na ako si Yahweh kung maipakita ko na sa kanila na ako ay banal. Titipunin ko kayo mula sa iba't ibang bansa upang ibalik sa inyong bayan. Wiwisikan ko kayo ng tubig na dalisay upang kayo'y luminis. Aalisin ko rin ang naging mantsa ninyo dahil sa inyong mga diyus-diyosan. Bibigyan ko kayo ng bagong puso at bagong espiritu. Ang masuwayin ninyong puso ay gagawin kong pusong masunurin. Bibigyan ko kayo ng aking Espiritu upang makalakad kayo ayon sa aking mga tuntunin at masunod ninyong mabuti ang aking mga utos. Ititira ko kayo sa lupaing ibinigay ko sa inyong mga ninuno. Kayo ay magiging bayan ko at ako ang inyong Diyos. Lilinisin ko ang lahat ng inyong karumihan; bibigyan ko kayo ng masaganang ani at hindi na kayo daranas ng gutom. Pamumungahin kong mabuti ang inyong mga punongkahoy at pasasaganain ang ani ng inyong bukirin upang hindi na kayo hamakin ng kapwa ninyo bansa dahil sa taggutom na inyong dinanas. Maaalala rin ninyo ang inyong kasamaan, at dating kasuklam-suklam na mga gawa. Dahil dito, masusuklam kayo sa inyong mga sarili. Dapat ninyong malaman na ginagawa ko ang lahat ng ito ngunit hindi dahil sa inyo. Dapat kayong mahiya dahil sa inyong kasamaan, mga Israelita.” Ipinapasabi ni Yahweh: “Kapag nalinis ko na kayo sa inyong karumihan, muli kong patitirahan ang inyong mga lunsod at muling itatayo ang mga lugar na wasak. Ang mga ilang na dako ay muling bubungkalin. Kapag nakita ito ng mga tao ay sasabihin nila, ‘Ang lugar na ito'y dating tiwangwang ngunit ngayo'y parang hardin ng Eden. Ang mga lunsod na wasak at walang tao, ngayon ay may nakatira na, muling nakatayo at naliligid ng muog.’ Kung makita nilang muli nang naitayo ang mga guho at puno ng pananim ang dating tigang na lupain, makikilala ng mga karatig-bansa na ako si Yahweh. Akong si Yahweh ang maysabi nito at ito'y gagawin ko.” Ipinapasabi ni Yahweh: “Ito pa ang gagawin ko sa kanila. Ipagkakaloob ko ang hilingin nila sa akin. Pararamihin ko sila, tulad ng makapal nilang kawan. Pararamihin ko silang tulad ng mga tupang panghandog, tulad ng mga tupa sa Jerusalem kung panahon ng kapistahan. Sa gayon, ang mga lugar na walang nakatira ay mapupuno ng tao. At makikilala nilang ako si Yahweh.” Nadama ko ang kapangyarihan ni Yahweh at sa pamamagitan ng kanyang Espiritu ay dinala niya ako sa isang libis na puno ng kalansay. Inilibot niya ako sa lugar na puno ng mga kalansay na tuyung-tuyo na. Tinanong niya ako, “Ezekiel, anak ng tao, palagay mo ba ay maaari pang mabuhay ang mga kalansay na ito?” Sumagot ako, “Kayo po lamang ang nakaaalam, Yahweh.” Sinabi niya sa akin, “Magpahayag ka sa mga kalansay na ito. Sabihin mo: Mga tuyong kalansay, dinggin ninyo ang salita ni Yahweh. Ito ang ipinapasabi niya: Bibigyan ko kayo ng hininga at kayo'y mabubuhay. Lalagyan ko kayo ng litid at laman, at babalutin ng balat. Bibigyan ko kayo ng hininga at kayo'y mabubuhay. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.” Nagpahayag nga ako, tulad ng utos sa akin. Nang ako'y nagsasalita, nagkaroon ng malakas na ugong, at nabuo ang mga kalansay. Nakita kong sila'y nagkaroon ng litid at laman; nabalot sila ng balat ngunit hindi pa humihinga. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, tawagan mo ang hangin sa lahat ng dako. Sabihin mong ipinapasabi ko: Hangin, hingahan mo ang mga patay na ito upang sila'y mabuhay.” Nagpahayag nga ako at ang hangin ay pumasok sa kanila. Nabuhay nga sila at nang magtayuan, sila'y ubod ng dami, parang isang malaking hukbo. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ang bansang Israel ay tulad ng mga kalansay na ito. Sinasabi nila, ‘Tuyo na ang aming mga buto, wala na kaming pag-asa. Lubusan na kaming pinabayaan.’ Kaya nga, magpahayag ka. Sabihin mong ipinapasabi ko: Bayan ko, ibubukas ko ang inyong libingan. Ibabangon ko kayo at iuuwi sa inyong bayan. Kung maibukas ko na ang inyong libingan at maibangon ko kayo, makikilala ninyong ako si Yahweh. Hihingahan ko kayo upang kayo'y mabuhay, at ibabalik ko kayo sa inyong sariling bayan. Sa gayon, malalaman ninyo na akong si Yahweh ang nagsabi nito at aking gagawin.” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, kumuha ka ng isang putol na kahoy at sulatan mo ng, ‘Ang kaharian ng Juda.’ Pagkatapos, kumuha ka ng isa pa at sulatan mo naman ng, ‘Ang kaharian ng Israel.’ Pagkaraan noon, pagdugtungin mo ito na parang iisa ang hawak mo. Kapag itinanong nila kung ano ang kahulugan noon, sabihin mong ipinapasabi ko na darating na ang panahon at ang kaputol na kahoy na kumakatawan sa Israel ay isasama ko sa kaputol na kahoy na kumakatawan sa Juda upang sila'y maging isa na lang. Kailangang nakikita nilang hawak mo ang mga putol ng kahoy na iyong sinulatan habang sinasabi mong ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Titipunin ko ang mga Israelita mula sa mga dakong kinatapunan nila upang ibalik sila sa sarili nilang bayan. Sila'y pag-iisahin ko na lamang. Isa lamang ang magiging hari nila; hindi na sila mahahati, sila'y gagawin kong isa na lamang kaharian. Hindi na sila sasamba sa diyus-diyosan ni gagawa ng kasuklam-suklam na mga bagay o anumang paglabag. Hindi na sila tatalikod sa akin. Lilinisin ko sila. Sila ang aking magiging bayan at ako ang kanilang magiging Diyos. Isang tulad ng lingkod kong si David ang magiging hari nila. Susundin na nilang mabuti ang aking mga utos at tuntunin. Sila'y doon na maninirahan sa lupaing tinirhan ng kanilang mga ninuno, sa lupaing ibinigay ko kay Jacob. Sila, at ang kanilang mga anak at mga susunod pang salinlahi ay mananatili doon habang panahon. Isang haring tulad ni David na aking lingkod ang magiging pinuno nila magpakailanman. Gagawa ako ng isang tipan sa kanila. Ito ay tipan ng kapayapaan at mamamalagi magpakailanman. Pagpapalain ko sila at pararamihin. Itatayo ko sa kalagitnaan nila ang aking Templo. Ako'y maninirahang kasama nila magpakailanman. Ako ang magiging Diyos nila, sila'y magiging bayan ko. At kung mananatili sa kalagitnaan nila ang aking Templo, malalaman ng lahat ng bansa na akong si Yahweh ang humirang sa Israel upang maging akin.” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, harapin mo si Gog sa lupain ng Magog at hari ng mga bansang Meshec at Tubal. Magpahayag ka laban sa kanya at sabihin mong ipinapasabi ko: Ako'y laban sa iyo, Gog, pinakapuno ng mga hari ng Meshec at Tubal. Patatalikurin kita ngayon at lalagyan ko ng kawit ang iyong panga. Iaalis kita sa sarili mong bayan, ikaw at ang iyong hukbo; ang iyong mga kabayo at mangangabayo na nasa hustong kasuotang pandigma, may pananggalang at tabak. Kasama nila ang kalalakihan ng Persia, Etiopia at Libya na pawang may pananggalang at naka-helmet. Kasama rin ang Gomer pati ang kanyang hukbo at ang Beth-togarma hanggang sa dulong hilaga pati ang buong hukbo nito at ang kalalakihan ng marami pang bansa. “Humanda kang lagi, ikaw at ang mga hukbong kasama mo. Tumalaga kayo anumang oras na kailangan ko. Pagkaraan ng maraming taon, titipunin ko kayo; lulusubin ninyo ang isang bansang itinayong muli mula sa pagkaguho. Ang naroon ay mga taong tinipon mula sa iba't ibang dako at payapang naninirahan sa mga bundok ng Israel, isang lugar na dating tiwangwang at walang naninirahan. Sasagasaan ninyong parang bagyo ang lugar na iyon at kakalatan ninyong parang ulap, ikaw, ang iyong hukbo at ang makapal na taong kasama mo. “Ito ang ipinapasabi sa iyo ni Yahweh: Gog, sa araw na iyon, may papasok sa iyong isip at ikaw ay magbabalak ng masama. Isasaloob mo, ‘Ang sasalakayin ko'y isang mahinang bansa. Lulupigin ko ang mga taong naninirahan nang tahimik, walang mga pader na kanlungan ni anumang harang. Sasakupin ko ito, sasamsaman ang tagaroon, at wawasakin ang lupaing dating tiwangwang at walang nakatira ngunit ngayo'y puno ng taong tinipon mula sa iba't ibang dako. Ngayo'y marami na ang kanilang mga hayop, at mga ari-arian, at ang lupain nila'y siyang sentro sa daigdig.’ Sasabihin sa iyo ng Seba at Dedan, ng Tarsis at ng mga mangangalakal nito, ‘Naparito ka ba upang manamsam? Tinipon mo ba ang karamihang ito upang hakutin ang mga pilak, ginto, mga hayop, at mga ari-arian, upang samsamin ang malaking kayamanang ito?’ “Kaya, pinapunta ako ni Yahweh sa Gog upang ipahayag ang ganito: Sa araw na namumuhay ng tahimik ang bayan kong Israel, ikaw ay magbabalikwas. Isasama mo ang makapal na tao, isang malaking hukbo na pawang kabayuhan mula sa dulong hilaga. Ang Israel ay sasalakayin ninyo, tulad ng rumaragasang bagyo. Ipapalusob ko sa iyo ang aking bayan upang ipakilala sa mga bansa kung sino ako, at upang sa pamamagitan mo'y maipakita sa kanila na ako ay banal. “Ipinapasabi pa ni Yahweh: Noong araw pa, iniutos ko na sa mga lingkod kong propeta ng Israel na ipahayag nila na may isang bansang tatayo laban sa Israel, at ikaw ang tinutukoy noon. Pagdating ng araw na iyon, kapag sinalakay na ng Gog ang Israel, aabot na sa sukdulan ang aking poot. At sa tindi ng aking galit, lilindol nang napakalakas sa buong Israel. Ang mga isda, ibon at hayop, malaki o maliit, at ang mga tao, ay manginginig sa harap ko. Ang mga bundok ay guguho, gayon din ang mga bangin at ang lahat ng muog sa lupa. Paghahariin ko sa Gog ang matinding takot at sila-sila'y magtatagaan. Paparusahan ko siya sa pamamagitan ng salot at kamatayan. Siya at ang kanyang mga hukbo ay pauulanan ko ng buhawi, malalaking yelo ng apoy at asupre. Sa ganyang paraan ko ipapakita sa lahat ng bansa na ako ay makapangyarihan at ako ay banal. Sa gayo'y makikilala nilang ako si Yahweh.” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, magpahayag ka laban sa Gog. Sabihin mong ipinapasabi ko: Ako'y laban sa iyo, Gog, pangunahing pinuno ng Meshec at Tubal. Babaligtarin kita, at mula sa dulong hilaga ay itataboy sa kabundukan ng Israel. Pagkatapos, aagawin ko ang pana at mga palaso sa iyong mga kamay. Ikaw at ang iyong buong hukbo ay malilipol sa kabundukan ng Israel, pati ang makapal mong tauhan. Ang inyong mga bangkay ay pababayaan kong kanin ng mga ibon at lapain ng mababangis na hayop. Sinasabi kong mabubuwal ka sa kaparangan. Lilikha ako ng sunog sa Magog at sa baybayin ng dagat, ang lugar na hindi dating nakakaranas ng gulo. Sa gayon, makikilala nilang ako si Yahweh. Ipapakilala ko ang aking pangalan sa gitna ng bayan kong Israel at di ko na pababayaang malapastangan ito. Sa gayo'y makikilala ng lahat ng bansa na ako si Yahweh, ang Banal na Diyos ng Israel.” Sinabi ni Yahweh, “Dumarating na ang araw ng kaganapan ng mga bagay na ito. Pagkaganap ng mga bagay na ito, ang mga taga-lunsod ay lalabas ng bayan upang gawing panggatong ang makapal na gamit pandigma: pananggalang, pana, palaso, punyal, at sibat. Ang daming ito ay magiging sapat na panggatong sa loob ng pitong taon. Hindi na sila kailangang mangahoy sa bukid o sa gubat. Ang mga sandatang iyon na ang kanilang igagatong. Ang mangyayari, sasamsaman nila ang sana'y mananamsam sa kanila. Ang Panginoong Yahweh ang maysabi nito.” Sinabi ni Yahweh, “Sa araw na iyon, ang Gog ay bibigyan ko ng isang libingan sa Israel, ang Libis ng Manlalakbay, sa silangan ng Dagat na Patay. Doon siya ililibing kasama ang makapal na taong kasama niya. Ang libingang ito'y tatawaging Libis ng Hukbo ng Gog, at lilihisan ng mga manlalakbay. Sa paglilibing lamang sa kanila, mauubos ang pitong buwan bago mailibing ng mga Israelita ang lahat ng bangkay. Lahat ng tutulong sa paglilibing ay pararangalan sa araw ng aking tagumpay. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. Pagkaraan ng pitong buwan, magtatalaga kayo ng isang pangkat upang patuloy na maghanap at maglibing sa mga kalansay na hindi pa naililibing para malinis nang lubusan ang lupain. Sinuman sa kanila ang makakita ng kalansay, lalagyan niya iyon ng tanda hanggang hindi nadadala sa pinaglibingan kay Gog at sa kanyang mga kasama. (Isang malapit na bayan ay tatawaging Ang Hukbo ni Gog.) Gayon ang gagawin ninyo upang ganap na malinis ang lupain.” Sinabi ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ito naman ang sabihin mo sa lahat ng uri ng ibon at hayop: ‘Halikayo at magpakabusog sa handog na itong inihanda ko sa inyo, isang malaking handa sa mga bundok ng Israel. Magpakabusog kayo sa laman at dugo. Kanin ninyo ang laman ng mga mandirigma at inumin ang dugo ng mga pinuno ng daigdig. Ito ay siya ninyong pinakatupang lalaki, kordero, kambing, toro, at baka. Magsasawa kayo sa taba at malalango sa dugo dito sa maraming handog na inilaan ko sa inyo. Sa hapag ko'y mabubusog kayo sa kabayo at mandirigmang sakay nito at sa lahat ng uri ng kawal.’ Akong si Yahweh ang nagsabi nito.” Sinabi ni Yahweh, “Ipapakita ko sa lahat ng bansa ang aking kaluwalhatian sa pamamagitan ng paggamit ko sa aking kapangyarihan sa pagsasagawa ng aking pasya. Mula sa araw na iyon, makikilala ng Israel na ako si Yahweh, ang kanilang Diyos. At malalaman ng lahat ng bansa na ang Israel ay nabihag dahil na rin sa kanilang kasamaan; dahil sa pagtataksil nila sa akin, sila ay aking pinabayaan at ibinigay sa kanilang mga kaaway upang patayin. Pinabayaan ko sila sapagkat iyon lang ang marapat sa kanilang kasamaan.” Ipinapasabi ni Yahweh: “Ngayon, ibabalik ko ang dating kalagayan ni Jacob. Muli kong ipadarama sa sambayanang Israel ang aking pag-ibig sa kanila upang mabigyan kong karangalan ang aking pangalan. Ang kahihiyang sinapit nila at ang kanilang kataksilan sa akin ay malilimutan na rin nila kapag sila'y payapa nang naninirahan sa sarili nilang lupain at wala nang liligalig sa kanila. At kapag natipon ko na sila mula sa lupain ng kanilang mga kaaway, sa pamamagitan ng pagkalinga ko sa kanila'y ipapakita ko sa lahat ng bansa na ako ay banal. Sa gayon, makikilala ng Israel na ako si Yahweh na kanilang Diyos sapagkat itinapon ko sila sa lahat ng panig ng daigdig at pagkatapos ay muling tinipon sa sarili nilang lupain. Titipunin ko silang lahat at walang matitira isa man sa ibang bansa. Ibubuhos ko sa Israel ang aking Espiritu at hindi ko na sila tatalikuran. Akong si Yahweh ang nagsabi nito.” Noong ika-10 araw ng bagong taon at ika-25 taon ng aming pagkabihag, labing-apat na taon pagkatapos masakop ang lunsod ng Jerusalem, nilukuban ako ng kapangyarihan ni Yahweh. Sa isang pangitain, dinala niya ako sa tuktok ng isang napakataas na bundok sa Israel. Sa tapat ko, may nakita akong tila isang lunsod. Inilapit niya ako roon at may nakita akong isang tao sa may pagpasok ng lunsod. Siya'y tila tanso, may hawak na pising lino, at panukat. Sinabi niya sa akin, “Ezekiel, anak ng tao, talasan mo ang iyong mata at tainga. Tandaan mong mabuti ang lahat ng ipapakita ko sa iyo sapagkat ito ang dahilan ng pagkadala sa iyo rito. Pagkatapos, sabihin mo naman ito sa mga Israelita.” Ang nakita ko ay templo na napapaligiran ng pader. Kinuha noong tao ang kanyang panukat na tatlong metro ang haba at sinukat ang pader sa paligid ng templo: Tatlong metro ang kapal nito, gayon din ang taas. Pagkatapos, pumunta siya sa tarangkahan sa gawing silangan. Pumanhik siya sa mga baytang nito at sinukat ang pintuan; ang taas nito ay tatlong metro rin. Sa kabila nito ay may daanan at may tigatlong silid sa magkabila. Ang mga silid na ito ay parisukat; tatlong metro ang haba, gayon din ang luwang at ang pader sa pagitan ay dalawa't kalahating metro. Sa kabila ng mga silid na ito ay may daanan patungo sa malaking bulwagan sa harap ng templo. Ang haba nito ay tatlong metro. Pare-pareho ang sukat ng mga silid na ito, at magkakasingkapal ang mga pader sa pagitan. Sinukat din niya ang pasukan papuntang tarangkahan. Ang kabuuang luwang nito'y anim at kalahating metro at limang metro naman ang tarangkahan. Sa harap ng mga silid ng bantay-pinto ay may pader na kalahating metro ang taas, gayon din ang kapal. Ang mga silid ay kuwadrado: tatlong metro ang haba, gayon din ang luwang. Pagkatapos, sinukat niya mula sa gilid ng unang silid hanggang sa huling silid. Ito'y may labindalawa't kalahating metro. Sinukat din niya ang bulwagan sa pasukan at ito'y may sampung metro. Ang kabuuang haba ng daanan mula sa tarangkahan hanggang sa huling silid ay dalawampu't limang metro. Ang mga silid ay may bintana upang makita ang labas at mayroon din sa mga pader sa pagitan ng mga silid. Sa mga pader naman sa loob ng silid ay may dibuhong puno ng palmera. Dinala niya ako sa patyo sa labas. Doon ay may tatlumpung silid na nakadikit sa pader. Sa harap ng mga silid na ito ay may bahaging nalalatagan ng bato na abot sa gusali sa pasukan. Ito ay mababa kaysa patyo sa loob. May mas mataas na daanan patungo sa patyo sa loob. Sinukat noong tao ang pagitan ng dalawang daanan at umabot ng limampung metro. Pagkaraan, sinukat niya ang daanan sa gawing hilaga na papunta rin sa patyo sa labas. Ang tigatlong silid ng mga bantay-pinto, ang mga pader sa pagitan at ang bulwagan ay kasinlaki rin ng nasa tarangkahan sa gawing silangan. Ang haba ng daanan ay dalawampu't limang metro at labindalawa't kalahating metro ang luwang. Ang bulwagan, mga bintana, at dibuhong puno ng palma ay katulad nga ng nasa tarangkahan sa gawing silangan. Pito ang baytang nito at nasa dulo ang bulwagan paharap sa patyo. Sa tapat ng tarangkahang ito ay may tarangkahan ding papasok sa patyo sa loob, tulad ng sa gawing silangan. Sinukat niya ang pagitan ng tarangkahan sa hilaga at ng tarangkahan sa timog at ito'y umabot ng limampung metro. Dinala niya ako sa gawing timog at doo'y mayroon ding tarangkahan. Sinukat niya ito. Ito'y kasukat din ng ibang tarangkahan. May mga bintana rin ito sa paligid tulad ng ibang tarangkahan. Ang haba ng daanan nito ay dalawampu't limang metro at labindalawa't kalahating metro naman ang luwang. Pito rin ang baytang nito at nasa dulo ang bulwagan paharap sa patyo. May tig-isang dibuho ng puno ng palmera ang pader ng pasilyo. Mayroon din itong daanan papunta sa patyo sa loob. Ang haba nito ay limampung metro. Ako'y ipinasok niya sa patyo sa loob. Sa tarangkahan sa gawing timog kami nagdaan. Sinukat niya ito at kasukat din ng iba. Ang bulwagan nga nito ay paharap sa panlabas na patyo, may dibuho ring puno ng palmera ang pader ng daanan at walo ang baytang patungo sa tarangkahang ito. Itinuloy niya ako sa loob ng patyo sa gawing silangan. Sinukat niya ang tarangkahan nito. Ito ay kasukat din ng iba, gayon din ang bulwagan, mga silid ng bantay-pinto, at ang pader sa pagitan. Naliligid ito ng mga bintana. Ang haba ng daanan ay dalawampu't limang metro at labindalawa't kalahating metro naman ang lapad. Paharap sa patyo sa labas ang bulwagan, may dibuho ring puno ng palmera ang pader at walong baytang ang hagdan. Pagkatapos, dinala niya ako sa may tarangkahan sa gawing hilaga at ito'y kanyang sinukat. Kasukat din ito ng iba, gayon din ang bulwagan, mga silid at ang pader sa pagitan. Ang haba ng bulwagan ay dalawampu't limang metro at labindalawa't kalahating metro naman ang lapad. Ito ay may mga bintana rin sa paligid. Paharap sa patyo sa labas ang bulwagan nito, may dibuho ring puno ng palmera ang pader na pasilyo at walo ang baytang ng hagdan. Ang patyo sa labas ay may isang kuwarto; nakadikit ito sa tarangkahan sa loob sa gawing hilaga at abot sa bulwagang nakaharap sa patyo. Doon nila nililinis ang mga hayop na pinatay upang sunugin sa altar bilang handog. Sa magkabilang panig ng bulwagan ay may apat na mesa. Dito naman nila pinapatay ang mga hayop na ihahandog, kahit na susunugin, handog para sa kapatawaran ng kasalanan, o handog na pambayad sa kasalanan. May apat na mesa rin sa labas, tigalawa sa magkabila ng tarangkahan sa gawing hilaga. Tig-apat ang mesa sa loob at labas ng bulwagan. Sa mga mesang ito pinapatay ang lahat ng hayop na panghandog. Yari sa tinapyas na bato ang apat na mesang patungan ng hayop na susunugin bilang handog. Ang taas nito ay kalahating metro, 0.7 metro ang lapad at ang haba. Dito inilalagay ang mga kasangkapang pangkatay sa mga handog. Sa paligid ng mga mesa ay may pinakapasamanong singlapad ng isang palad. Sa mesa ipinapatong ang karneng panghandog. Dinala ako sa patyo sa loob. Doon ay may dalawang tanging silid: ang isa'y nakaharap sa timog at ang isa nama'y nakaharap sa hilaga. Sinabi sa akin noong lalaki, “Ang silid na nakaharap sa timog ay ukol sa mga paring nangangasiwa sa templo, at ang nakaharap sa hilaga ay para naman sa mga paring nangangasiwa sa altar. Sila'y mga anak ni Zadok, ang sambahayan mula sa lipi ni Levi na siya lamang maaaring maglingkod sa harapan ni Yahweh.” Sinukat ng lalaki ang patyo sa loob. Ito'y parisukat na limampung metro. Nasa gawing kanluran ang templo at nasa harap nito ang altar. Isinama niya ako sa bulwagang papasok ng templo. Sinukat niya ang pasukan nito: dalawa't kalahating metro ang lalim at pitong metro naman ang luwang. Ang kapal ng pader ay isa't kalahating metro. Ang haba ng bulwagan ay sampung metro at anim na metro ang lalim. Ito ay may dalawa pang pinakatukod sa magkabila, bukod sa dalawang malalaking poste. Pagkatapos, ipinasok ako ng lalaking iyon sa Dakong Kabanal-banalan. Sinukat niya ang daanan nito: tatlong metro ang taas, limang metro ang luwang at dalawa't kalahating metro naman ang kapal ng pader. Sinukat niya ang bulwagan. Ang haba nito ay dalawampung metro at sampung metro ang luwang. Pumasok siya sa huling silid. Sinukat niya ang daanan nito. Ang taas nito ay isang metro, tatlong metro ang luwang at ang kapal ng pader ay tatlo't kalahating metro. Sinukat niya ang bulwagan. Ang luwang nito ay sampung metro, gayon din ang haba. Sinabi niya sa akin, “Ito ang Dakong Kabanal-banalan.” At sinukat din niya ang panloob na pader ng templo. Ang kapal nito ay tatlong metro. Sa pader na ito na nakapaligid sa templo ay may sunod-sunod na mga silid na tig-dadalawang metro ang luwang. Tatlong palapag ang mga silid, bawat palapag ay may tatlumpung silid. Ang pader ng palapag sa itaas ay manipis kaysa nasa ibaba pagkat sa gilid ng pader nakasalalay ang bawat palapag. Sa labas ng mga silid na ito ay may malapad na hagdanang nakadikit sa pader at siyang daanan papunta sa mga palapag. Kung tingnan sa labas ay waring pareho ang kapal ng pader mula sa ibaba hanggang sa itaas. Ngunit sa loob, ang itaas na palapag ay maluwang kaysa sumusunod na palapag. Nakita kong may balkonaheng dalawa't kalahating metro sa paligid ng templo. Tatlong metro ang taas nito mula sa lupa at kapantay ng pundasyon ng mga silid sa gilid. May isang pinto papunta sa lugar ng mga silid sa gawing hilaga at isa sa timog; ito'y palaging bukás. Ang luwang ng asutea sa palibot ng templo ay dalawa't kalahating metro. Sa dulo sa gawing kanluran ay may isang gusali na apatnapu't limang metro ang haba at tatlumpu't limang metro naman ang luwang; dalawa't kalahating metro ang kapal ng pader nito. Sinukat ng lalaki ang labas ng templo. Ang haba nito ay limampung metro. Mula sa likod ng templo hanggang sa gusali sa kanluran ay limampung metro rin. Ang pagitan mula sa harap ng templo, pati ng patyo ay limampung metro rin. Sinukat din niya ang haba ng gusali. Ito'y limampung metro pati ang mga silid sa magkabila. Ang mga silid na pasukan sa templo, ang Dakong Banal at ang Dakong Kabanal-banalan, at ang bulwagan sa gawing labas ay nababalot ng tabla, mula sa sahig hanggang bintana. isa ay mukha ng tao, mukha naman ng leon ang isa. Ang mga ito'y magkatalikod at parehong nakatingin sa puno ng palmera. Ganito ang larawang nakaukit sa lahat ng dingding ng templo. Kasintaas ng pinto ang mga tablang may nakaukit na larawan ng kerubin at puno ng palmera. Ang mga hamba ng pinto ng Dakong Banal ay parisukat. Sa harap ng Dakong Kabanal-banalan ay may parang altar na kahoy. Ang taas nito'y isa't kalahating metro, isang metro naman ang luwang. Kahoy ang mga paa nito, gayon din ang patungan at ang dingding. Sinabi sa akin ng lalaki, “Iyan ang mesa sa harapan ni Yahweh.” Sa magkabilang dulo ng daanan papunta sa Dakong Banal ay may pinto, gayon din ang papunta sa Dakong Kabanal-banalan. Ang mga pinto ay tigalawang paypay; bawat paypay ay may tigalawang bisagra. Ang pinto papunta sa Dakong Banal ay may nakaukit ding larawan ng kerubin at puno ng palmera, tulad ng nasa dingding. May kahoy na panakip sa labas ng bulwagang-pasukan. Sa bawat panig ng Dakong Banal ay may mga bintana at ang mga dingding ay natatakpan ng tablang may inukit na puno ng palmera. Ako'y isinama ng lalaki sa patyo sa labas at nagtuloy kami sa gusali sa gawing hilaga ng templo at malapit sa dulo nito sa kanluran. Ang haba ng gusaling ito ay limampung metro at dalawampu't limang metro naman ang luwang. Ang kalahati nito ay nakaharap sa patyong sampung metro ang luwang at ang isa pang kalahati sa patyong nalalatagan ng bato. Ito ay tatlong palapag. Sa hilaga ng gusali ay may isang daanang apat at limang metro ang luwang at limampung metro ang haba. Ang mga silid sa pangatlong palapag ay maliit kaysa una at pangalawa dahil sa balkon nito. Ang mga silid mula sa una hanggang ikatlong palapag ay walang haligi, di tulad ng ibang gusali sa patyo sa labas. Sa harap ng mga silid ay may daang katulad at kasukat ng nasa gawing hilaga. Sa dulo ng hanay ng mga silid sa gawing timog ay mayroon ding pinto. Sinabi sa akin noong lalaki, “Ang mga gusaling ito ay sagrado. Dito kakanin ng mga pari ang ganap na sagradong bahagi ng mga handog. Dito rin ilalagay ang mga pinakasagradong handog tulad ng handog na pagkaing butil, handog para sa kapatawaran ng kasalanan at handog na pambayad sa kasalanan, pagkat itinalaga ang mga silid na iyon. Pagkagaling nila sa templo at ibig nilang lumabas sa patyo, huhubarin muna nila roon ang kanilang kasuotan. Iba ang kasuotang gagamitin nila pagharap sa mga tao.” Matapos sukatin noong tao ang loob ng templo, lumabas kami sa tarangkahan sa gawing silangan at sinukat niya ang labas. Sinukat nga niya ang apat na panig. Napapaligiran ng pader upang mabukod sa karaniwan ang tanging lugar na ito. Dinala ako ng lalaki sa tarangkahan sa gawing silangan. Doon, nakita kong dumarating mula sa silangan ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel, parang dagundong ng malaking baha. Nagliwanag ang lupa dahil sa kaluwalhatiang yaon. Ang pangitaing ito ay tulad ng nakita ko nang wasakin ang Jerusalem. Tulad din ito noong nakita ko sa Ilog Kebar. At ako'y dumapa sa lupa. Ang nakakasilaw na liwanag ay nagdaan sa pintuan sa silangan at pumasok sa templo. Itinayo ako ng Espiritu at ipinasok sa patyo sa loob. Nakita kong ang buong templo'y punung-puno ng kaluwalhatian ni Yahweh. Magkatabi kaming nakatayo noong lalaki. Maya-maya, may narinig akong nagsasalita sa akin mula sa templo. Ang sabi, “Ezekiel, anak ng tao, ito ang aking trono, at ito ang tuntungan ng aking mga paa. Ito ang magiging tahanan ko sa aking paninirahan sa gitna ng Israel. Ang pangalan ko'y di na nila lalapastanganin, ni ng kanilang mga hari, sa pamamagitan ng pagsamba sa mga diyus-diyosan at sa kanilang mga yumaong hari. Ang pintuan nila at ang aking pintuan ay may pagitan lamang na isang pader. Nilapastangan nila ang aking pangalan sa pamamagitan ng kasuklam-suklam nilang gawain kaya nilipol ko sila. At ngayo'y titigil na sila sa pagsamba sa diyus-diyosan at sa yumao nilang mga hari. Kaya, maninirahan ako sa gitna nila habang panahon.” Sinabi ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ipaliwanag mo sa sambahayan ni Israel ang kaayusan ng templong ito upang mahiya sila sa kanilang kasamaan. Kung magkagayon, ilarawan mong mabuti sa kanila ang kabuuan ng templo: ang kaayusan, pasukan at labasan. Ipaliwanag mo sa kanila at isulat pagkatapos ang mga tuntunin at kautusan tungkol dito upang ito'y masunod nilang mabuti. Ito ang tuntunin tungkol sa templo. Lahat ng lugar sa paligid nito sa tuktok ng bundok ay aariin ninyong kabanal-banalan.” Ito ang sukat ng altar: Ang patungan sa lupa ay may kalahating metro ang lalim, gayon din ang lapad. Ang paligid nito'y lalagyan ng moldeng 0.3 metro ang lapad. Ang taas naman mula sa patungan ay isang metro hanggang sa unang pasamano, at kalahating metro ang lapad. Mula sa maliit hanggang sa malaking pasamano ay dalawang metro pataas, at kalahating metro ang lapad. Ang taas ng bahagi ng altar na sunugan ng mga handog ay dalawang metro. Ang pinakasungay nito sa apat na sulok ay mataas kaysa altar. Ang altar ay parisukat: anim na metro ang luwang, gayon din ang haba. Parisukat din ang panggitnang bahagi: pitong metro ang haba, gayon din ang luwang. Ito'y paliligiran ng molde na 0.3 metro ang lapad. Ang lapad ng pinakaalulod ay kalahating metro. Ang hagdan ng altar ay nasa gawing silangan. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ito ang tuntuning ipinapasabi ko tungkol sa altar. Kapag ito'y yari na, itatalaga mo ito sa pamamagitan ng pagsusunog ng mga handog at pagwiwisik ng dugo ng mga hayop na inihandog. Ang mga paring Levita lamang na mula sa sambahayan ni Zadok ang makakapaglingkod sa akin. Akong si Yahweh ang nag-uutos. Bibigyan mo sila ng isang torong panghandog para sa kasalanan. Kukuha ka ng dugo nito upang ipahid sa apat na sungay ng altar, sa apat na sulok ng panggitnang bahagi, at sa gilid. Sa ganito mo lilinisin at itatalaga ang altar. Ang panghandog na ito para sa kasalanan ay susunugin sa isang tanging lugar sa labas ng templo. Kinabukasan, isang kambing na lalaki at walang kapintasan naman ang inyong ihahandog; lilinisin din ang templo sa paraang ginawa nang ihandog ang toro. Pagkalinis ng altar, maghahandog kayo ng isang toro at isang lalaking tupa, parehong walang kapintasan. Ang mga ito'y ihahandog ninyo sa akin; aasnan muna ito ng mga pari bago sunugin bilang handog. Pitong araw kayong maghahandog; araw-araw, isang lalaking kambing, tupa at baka na parehong walang kapintasan. Pitong araw ninyong lilinisin ang altar upang ganap itong maitalaga sa akin. Sa ikawalong araw, ang inyong handog na susunugin at handog na pagkain ay maaari na ninyong ihain sa altar. Sa gayon, ako'y malulugod sa inyong lahat. Akong si Yahweh ang maysabi nito.” Lumabas kami sa pinto ng templo, sa pinto sa gawing silangan. Pagkalabas namin, sumara ito nang kusa. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Mananatiling nakasara ang pintong ito. Walang dadaan dito sapagkat ito'y dinaanan ni Yahweh. Ang pinuno lamang ng Israel ang maaaring kumain sa hapag ni Yahweh; siya ay papasok sa tarangkahan patungo sa gawing dulo; doon din siya lalabas.” Dinala ako ng lalaki sa may pintuan sa gawing hilaga, sa may harap ng templo, at nakita kong ito'y nagliliwanag sa kaluwalhatian ni Yahweh. Ako'y sumubsob sa lupa. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, pakinggan mo at tandaang mabuti itong mga tuntuning sasabihin ko sa iyo tungkol sa templo ni Yahweh. Tandaan mong mabuti kung sinu-sino ang maaaring pumasok dito at ang hindi. Sabihin mo sa sambahayang yaon na matigas ang ulo, sa sambahayan ni Israel: Ito ang ipinapasabi ni Yahweh na Diyos: Sambahayan ni Israel, tigilan na ninyo ang kasuklam-suklam ninyong gawain. Ang mga dayuhan, mga taong may maruruming puso at isipan ay pinahihintulutan ninyong pumasok sa aking templo; sa gayo'y nasasalaula ito. Nangyayari ito sa inyong paghahandog sa akin ng pagkain, taba at dugo. Sinira ninyo ang aking tipan sa pamamagitan ng inyong kasuklam-suklam na gawain. Sa halip na kayo ang mangalaga sa mga bagay na itinalaga sa akin, ipinaubaya ninyo sa ibang tao. “Mula ngayon, akong si Yahweh ang nagsasabi sa inyo na walang taga-ibang bayang may maruming puso at hindi tuli ang maaaring pumasok sa aking templo, kahit na ang mga ito'y kasamang namamahay ng mga Israelita. Ang mga Levita na tumalikod sa akin at nalulong sa pagsamba sa diyus-diyosan ay paparusahan ko. Gayunman, sila pa rin ang maglilingkod sa aking templo at magbabantay sa mga pintuan nito. Sila pa rin ang gagawa ng mga dapat gawin sa loob ng templo. Sila rin ang magpapatay at maghahandog ng mga haing susunugin ng mga mamamayan, at maglilingkod sa akin para sa mga tao. Ang mga paring ito ay naglingkod sa mga diyus-diyosan, anupa't naging dahilan ng kasamaan ng sambahayan ng Israel, kaya naman isinusumpa kong sila'y aking paparusahan. Hindi sila makakalapit sa akin, ni makakapaglingkod bilang mga pari. Hindi rin sila maaaring lumapit sa mga dakong itinalaga sa akin. Sa gayon, malalagay sila sa kahihiyan dahil sa kasuklam-suklam nilang gawain. Gagawin ko na lamang silang katulong sa ibang gawain sa loob ng templo.” “Ang mga paring Levita lamang na mula sa angkan ni Zadok ang maaaring lumapit sa akin at maglingkod nang tuwiran, sapagkat sila ang patuloy na nangalaga sa aking templo nang talikuran ako ng Israel. Kaya naman, sila lamang ang maaaring maghandog sa akin ng pagkain, taba at dugo,” sabi ni Yahweh. “Sila lamang ang papasok sa aking templo at lalapit sa aking hapag upang maglingkod sa akin at magsakatuparan ng aking iniuutos. Telang lino ang kasuotan nila pagpasok pa lamang sa patyo. Huwag silang magsusuot ng anumang yari sa lana habang sila'y naglilingkod sa loob ng patyong ito. Telang lino rin ang gagamitin nilang turbante, gayon din ang salawal. Huwag silang magbibigkis para hindi sila pawisan. Bago sila humarap sa mga tao sa patyo sa labas, huhubarin muna nila ang kasuotan sa paglilingkod sa Diyos. Itatago ito sa sagradong silid, saka magbibihis ng iba upang ang kabanalan ng kasuotang iyon ay hindi makapinsala sa mga mamamayan. Huwag silang magpapakalbo ngunit huwag namang gaanong magpapahaba ng buhok; ito ay kanilang gugupitin sa katamtamang haba. Huwag silang iinom ng alak kung sila ay papasok sa patyo sa loob. Huwag silang mag-aasawa ng babaing pinalayas at hiniwalayan ng asawa, ni sa balo liban na lamang kung balo ng isa ring pari. Ang kukunin nilang asawa ay isang Israelitang hindi pa nasisipingan o kaya'y balo ng kapwa nila pari. Ituturo nila sa mga tao kung ano ang pagkakaiba ng itinalaga kay Yahweh at ng hindi. Ituturo rin nila kung paano ang pagkilala sa malinis at sa marumi ayon sa tuntunin. Kung may hidwaan ang mga mamamayan, sila ang hahatol ayon sa kanilang kaalaman sa usapin. Isasagawa nila sa takdang panahon ang lahat ng aking mga tuntunin at Kautusan. Patuloy rin nilang susundin ang mga tuntunin ukol sa Araw ng Pamamahinga. Huwag silang lalapit sa kaninumang bangkay liban sa ama, ina, kapatid na lalaki o kapatid na dalaga, upang hindi sila ituring na marumi ayon sa Kautusan. Pagkatapos niyang isagawa ang tuntunin ng paglilinis makaraang marumihan siya ng bangkay, bibilang pa siya ng pitong araw bago ibilang na malinis ayon sa Kautusan. At pagpasok niya sa patyo sa loob upang maglingkod sa Banal na Dako, maghahandog siya ng kanyang handog para siya luminis at makapaglingkod muli sa templo. Akong si Yahweh ang nagsabi nito. “Ang mga pari ay hindi kasama sa partihan sa lupain; ako mismo ang kanilang pinakamana. Hindi sila bibigyan ng anumang ari-arian sa Israel, ako ang kanilang pinakabahagi. Ang ikabubuhay nila ay ang handog na pagkaing butil, handog para sa kapatawaran ng kasalanan, at handog na pambayad ng kasalanan. Tatanggap sila mula sa lahat ng handog na iniaalay ng mga Israelita sa akin. Ang pinakamainam sa mga unang bunga at lahat ng handog ng Israel ay mauukol sa mga pari, gayon din ang pinakamasarap ninyong pagkain. Sa gayon, patuloy ko kayong pagpapalain. Ang mga pari ay hindi kakain ng anumang hayop o ibon na kusang namatay o nilapa ng mailap na hayop.” Sa paghahati ninyo ng lupain, magbubukod kayo ng isang bahagi para kay Yahweh. Ito ang sukat ng inyong ibubukod: 12.5 kilometro ang haba, at 10 kilometro naman ang luwang. Susukat kayo rito ng 250 metro parisukat para tayuan ng templo at ang paligid ay lalagyan ng patyong dalawampu't limang metro ang luwang. Para sa Dakong Kabanal-banalan, susukat kayo ng 12.5 kilometro ang haba at limang kilometro ang luwang. Ito ang pinakatanging lugar ng lupain at siyang mauukol sa mga paring maglilingkod sa templo, sa harapan ni Yahweh; ito ang magiging tirahan nila at tayuan ng templo. Isa pang lote na 12.5 kilometro ang haba at 5 kilometro ang luwang ay para naman sa mga paring maglilingkod sa kabuuan ng templo. Karatig ng bahaging itinalaga para sa akin, mag-iiwan kayo ng isang lote na 12.5 kilometro ang haba at 2.5 kilometro naman ang luwang. Ito ay para sa lahat ng Israelita. Sa pinuno ng Israel, ang iuukol ay ang karatig ng bahaging itinangi kay Yahweh. Ang nasa gawing kanluran ay sagad sa Dagat Mediteraneo, at ang sa gawing silangan ay abot sa ilog. Ito ay magkakasinlaki ng kaparte ng bawat lipi. Ito ay para sa kanila at nang hindi na nila apihin ang iba pang lipi ng Israel. Ito ang ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Mga pinuno ng Israel, tigilan na ninyo ang karahasan at pang-aapi sa aking bayan. Sa halip, pairalin ninyo ang katarungan at ang katuwiran. Tigilan na ninyo ang pangangamkam sa lupain ng aking bayan. “Ang inyong timbangan, sukatan ng harina, at kiluhan ay kailangang maaayos, walang daya, at husto sa sukat. Ang panukat na ginagamit sa mga harina at ang panukat na ginagamit sa langis ay kailangang pareho ang sukat, tig-ikasampung bahagi ng isang malaking sisidlan; ang malaking sisidlan naman ay ang pamantayan ng sukat. Ang takalang siklo ay katumbas ng labindalawang gramo. Ang inyong mina ay katumbas ng animnapung siklo. “Ito naman ang inyong ihahandog: 1/60 na bahagi ng lahat ng inyong inaning trigo at gayundin sa sebada, 1/100 na bahagi sa lahat ng inyong nagawang langis. (Ang panukat na gagamitin sa harina at langis ay parehong tig-isang bahagi ng malaking sisidlan.) Sa tupa naman ay isa sa bawat dalawandaan. Ito ang inyong handog na pagkaing butil, susunugin, at pangkapayapaan bilang kabayaran nila,” sabi ni Yahweh. “Ang mga handog na ito ay ibibigay sa pinuno ng Israel. Ang pinuno ng Israel ang mamamahala sa mga handog na susunugin, pagkaing butil, inumin para sa mga pista, pagdiriwang kung bagong buwan, mga Araw ng Pamamahinga, at sa lahat ng takdang pagdiriwang ng bayang Israel. Siya rin ang bahala sa mga handog para sa kasalanan, handog na susunugin at handog pangkapayapaan, bilang kabayaran sa kasalanan ng bayang Israel.” Ipinapasabi ni Yahweh: “Sa unang araw ng unang buwan, pipili kayo ng isang toro na walang kapintasan upang gamitin sa paglilinis ng templo. Ang paring nanunungkulan ay sasahod ng dugo ng handog para sa kasalanan. Ipapahid niya iyon sa poste sa pinto ng templo, sa apat na sulok ng altar, at sa mga poste sa pintuan patungo sa patyo sa loob. Ganito rin ang gagawin sa ikapitong araw para sa sinumang nagkamali o nagkasala nang di sinasadya. Ganito ninyo lilinisin ang templo. “Sa ikalabing apat naman ng unang buwan, ipagdiriwang ninyo ang Pista ng Paskwa; pitong araw na hindi kayo kakain ng tinapay na may lebadura. Sa araw na iyon, ang pinuno ng Israel ay maghahanda ng isang toro bilang handog para sa kasalanan niya at ng buong bayan. Sa pitong araw na kapistahan, maghahanda siya araw-araw ng isang toro at isang tupang walang kapintasan bilang handog na susunugin, at isang kambing na lalaki bilang handog naman para sa kasalanan. Para sa isang toro o sa tupa, limang salop ng harina bilang handog na pagkaing butil, kasama ang apat na litrong langis. “Ganito rin ang ihahanda sa pitong araw na Pista ng mga Tolda tuwing ika-15 araw ng ika-7 buwan, bilang handog para sa kasalanan, handog na susunugin, at handog na pagkaing butil.” Ipinapasabi ni Yahweh: “Ang daanan sa gawing silangan papunta sa patyo sa loob ay mananatiling nakasara sa loob ng anim na araw ng paggawa at ibubukas lamang kung Araw ng Pamamahinga at Pista ng Bagong Buwan. Ang pinuno ay papasok sa bulwagan at tatayo sa may poste ng tarangkahan habang inihahandog ng pari ang handog na susunugin pati ang haing pangkapayapaan; doon lamang siya sasamba sa labas. Pagkatapos, lalabas siya ngunit iiwang bukás ang pinto hanggang sa gabi. Ang bayan naman ay sasamba kay Yahweh kung Araw ng Pamamahinga at Pista ng Bagong Buwan ngunit doon lamang sila sa may pintuan. Kung Araw ng Pamamahinga, ang ihahandog ng pinuno ay anim na tupa at isang tupang lalaki na parehong walang kapintasan. Para sa tupang lalaki ay limang salop ng handog na pagkaing butil, kasama ng apat na litrong langis. Ang para naman sa bawat kordero ay ayon sa kanyang kakayanan bukod sa apat na litrong langis. Kung Pista ng Bagong Buwan, ang ihahandog niya'y isang toro, anim na tupa, at isang tupang lalaki na parehong walang kapintasan. Sa bawat toro at tupang lalaki ay tiglimang salop ng handog na pagkaing butil. Ang para naman sa batang kordero ay ayon sa kanyang kakayanan bukod pa sa apat na litrong langis. Ang pinuno ay sa bulwagan ng tarangkahan papasok at doon din lalabas. “Pagsamba naman ng mga tao tuwing takdang kapistahan, lahat ng papasok sa pinto sa hilaga ay sa timog lalabas, at lahat ng pumasok sa timog ay sa hilaga lalabas. Walang pahihintulutang lumabas sa pintong pinasukan niya; lahat ay tuluy-tuloy. Ang pinuno ay kasabay nilang papasok at lalabas ng templo. “Tuwing kapistahan at bawat takdang panahon, ang handog na pagkaing butil ay limang salop ng harina para sa bawat toro o tupang lalaki, at ayon sa kakayanan naman para sa batang kordero, bukod sa apat na litrong langis. Kung ang pinuno ay maghahain ng handog na susunugin o ng handog pangkapayapaan, bilang kusang handog, doon siya pararaanin sa pinto sa gawing silangan; gagawin niya ito kung Araw ng Pamamahinga. Paglabas niya, isasara ang pinto. “Tuwing umaga, maghahanda ng isang tupang walang kapintasan bilang handog na susunugin. Ito'y sasamahan ng isang salop ng handog na pagkaing butil, at 1 1/3 litrong langis na pangmasa sa harina. Ito ang inyong tuntunin ukol sa pang-araw-araw na handog kay Yahweh. Araw-araw ay ganyan ang tupa, pagkaing butil at langis na inyong ihahandog.” Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Kapag ang anak ng pinuno ay pinamanahan niya ng kanyang ari-arian, iyon ay mananatiling pag-aari ng anak. Ngunit kapag binigyan ang isang alipin, ang ibinigay ay kanya lamang hanggang sa pagsapit ng Taon ng Paglaya. Paglaya niya, ibabalik niya sa pinuno ang ari-ariang ibinigay sa kanya pagkat iyon ay para sa mga anak nito. Ang pinuno ay hindi dapat mangamkam ng ari-arian ng mga mamamayan. Ang ari-arian lamang niya ang maaari niyang ibigay sa kanyang mga anak. Sa gayon, maiiwasang agawan ng ari-arian ang sinuman sa aking mamamayan.” Dinala ako ng lalaki sa hanay ng mga silid ng pari sa gawing timog at doo'y itinuro niya sa akin ang isang lugar sa gawing kanluran. Sinabi niya sa akin, “Ang handog na pambayad sa kasalanan at ang handog para sa kapatawaran ng kasalanan, at handog na pagkaing butil ay diyan lulutuin ng mga pari. Huwag itong ilalabas para hindi mapinsala ng kabanalan niyon ang mga tao.” Dinala niya ako sa patyo sa labas, at ibinaybay sa apat na sulok nito. Sa bawat sulok ay may patyo; maliit at pare-pareho ang laki. Dalawampung metro ang haba ng bawat isa, at labinlimang metro naman ang luwang. Napapaligiran ito ng mababang pader at may apuyan sa tabi. Sinabi niya sa akin, “Dito naman lulutuin ng mga katulong ang handog ng mga mamamayan.” Bumalik kami sa pintuan ng templo. Sa ilalim nito'y may agos ng tubig papunta sa silangan. Ang templo'y paharap sa silangan. Ang agos ay nagmumula sa gawing timog na bahagi ng templo, sa gawing timog ng altar. Lumabas kami sa pintuan sa gawing hilaga at iniligid niya ako papalabas sa pintuan sa gawing silangan. Doon ay may mahinang agos ng tubig mula sa gawing timog ng hagdanan. Nagtuloy kami sa gawing silangan; may hawak siyang panukat. Sumukat siya ng 500 metro. Pagkatapos, lumusong kami sa tubig na hanggang bukung-bukong. Sumukat muli siya ng 500 metro at umabot ito hanggang tuhod. Sumukat siyang muli ng 500 metro at nang lumusong kami sa tubig, ito'y hanggang baywang. Sumukat uli siya ng 500 metro ngunit iyon ay isa nang ilog at hindi na ako makalusong. Malalim ang tubig at kailangang languyin upang matawid. Sinabi niya sa akin, “Ezekiel, anak ng tao, tandaan mo ang lugar na ito.” Naglakad kami sa pampang ng nasabing ilog. Nang ako'y pabalik na, nakita ko ang makapal na puno sa magkabilang pampang ng ilog. Sinabi niya sa akin, “Ang tubig na ito ay papunta sa dakong silangan, hanggang Dagat na Patay. Pag-abot nito sa Dagat na Patay, malilinis ang tubig nito. Lahat ng lugar na maagusan nito ay magkakaroon ng lahat ng uri ng hayop at isda. Pagdating ng agos nito sa Dagat na Patay, magiging tabang ang tubig ng dagat. Lahat ng lugar na abutin nito ay magkakaroon ng buhay. Pupuntahan ito ng mga mangingisda. Ang En-gedi hanggang En-eglain ay magiging lugar ng pangisdaan sapagkat iba't ibang uri ang isda rito, tulad ng nasa Dagat Mediteraneo. Ngunit ang mga latian ay mananatiling maalat para may makunan ng asin. Sa magkabilang pampang ng ilog ay tutubo ang sari-saring punongkahoy na makakain ang bunga. Hindi malalanta ang mga dahon nito ni mawawalan ng bunga sapagkat ang didilig dito ay ang tubig na umaagos mula sa templo; ito ay patuloy na mamumunga sa buong taon. Ang bunga nito ay pagkain, at gamot naman ang mga dahon.” Ipinapasabi ng Panginoong Yahweh: “Ito ang gagawing paghahati ng lupain para sa labindalawang lipi ng Israel; dalawang bahagi ang mauuwi sa lipi ni Jose. Pare-pareho ang gagawing hati. Ang lupaing ito ang aking ipinangako sa inyong mga magulang upang maging inyo. “Ito ang hangganan ng buong lupain, sa hilaga; ang Dagat Mediteraneo, tuloy ng Hetlon, sa may pagpasok ng Hamat at tuloy ng Sedad, Berota, Sibraim na nasa may hangganan ng Damasco at Hamat, hanggang sa Hazerhatico, sa hangganan ng Hawan. Samakatuwid, ang hangganan sa hilaga ay mula sa Dagat Mediteraneo hanggang Hazar-enon, sa gawing hilaga ng Damasco. “Sa silangan: mula sa Hazar-enon, pagitan ng Damasco at Hauran, sa baybayin ng Jordan, pagitan ng Gilead at Israel, sa dagat sa gawing silangan hanggang Tamar. “Sa timog: mula sa Tamar hanggang sa tubigan ng Meriba-kades, binaybay ang Batis ng Egipto hanggang sa Dagat Mediteraneo. “Sa kanluran: ang Dagat Mediteraneo hanggang sa tapat ng pagpasok sa Hamat. “Ito ang lupaing hahatiin mo sa mga lipi ng Israel. Ito ang pinakamana mo at ng mga taga-ibang lugar na kasama ninyo at nagkaanak nang kasama ninyo. Sila'y ituturing na parang tunay na Israelita at kahati sa lupaing mamanahin ng Israel. Ang mapupunta sa kanila ay magmumula sa bahagi ng liping kinabibilangan niya.” Ito ang magiging ayos ng partihan ng bawat lipi: mula sa dulong hilaga, sa gawi ng Hetlon hanggang Lebohamat at Hazar-enan sa gawing timog ng Damasco, mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Dan. Kahangga ng lipi ni Dan, mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Asher. Kahangga ng lipi ni Asher mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Neftali. Kahangga ng lipi ni Neftali mula sa silangan hanggang kanluran, isang bahagi para sa lipi ni Manases. Kahangga ng lipi ni Manases mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Efraim. Kahangga ng lipi ni Efraim, mula sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Ruben. Kahangga ng lipi ni Ruben, mula sa silangan hanggang kanluran, ay para naman sa lipi ni Juda. Ang bahaging nasasakupan ng lipi ni Juda ay ibubukod; ang sukat nito ay 12.5 kilometro parisukat. Sa loob nito itatayo ang templo. Ang iuukol ninyo kay Yahweh ay 12.5 kilometro ang haba at 10 kilometro ang luwang. Ganito naman ang gagawing hati sa bahaging iniukol kay Yahweh: ang inilaang bahagi ay mauuwi sa mga pari: 12.5 kilometro ang haba, at limang kilometro naman ang luwang. Ang templo ni Yahweh ay sa gitna nito itatayo. Ang bahaging ito ay para sa mga pari, sa mga anak ni Zadok pagkat patuloy nilang sinunod ang aking mga utos kahit noong tumalikod sa akin ang Israel. Di nila tinularan ang mga Levita. Ang bahaging ito ng lupaing itatalaga kay Yahweh ay tanging para sa kanila. Katabi nito sa gawing timog ay para naman sa mga Levita; 12.5 kilometro ang haba at limang kilometro naman ang luwang. Hindi nila ito maaaring ipagbili o ipagpalit; ni hindi nila ito maaaring isalin sa iba pagkat itinalaga kay Yahweh. Ang natitirang 2.5 kilometro sa luwang, at 12.5 kilometro sa haba ay para sa lahat. Maaari itong tirhan at gamitin ng kahit sino at sa gitna nito ang lunsod. Ito naman ang sukat ng lunsod: 2,250 metro ang haba, gayon din ang luwang. Sa paligid nito ay mag-iiwan kayo ng bakanteng 125 metro. Ang natitira pa sa magkabilang dulo na humahangga sa bahaging iniukol kay Yahweh na tiglimang kilometro ang haba at dalawa't kalahating kilometro ang luwang ay para naman sa mga mag-aasikaso ng lunsod; lahat ng aanihin dito ay ukol sa kanila. Ang mga manggagawang ito sa lunsod ay mula sa iba't ibang lipi ng Israel. Lahat-lahat ng inyong ibubukod ukol kay Yahweh at sa lunsod ay 12.5 kilometrong parisukat. Ang natitira sa magkabilang panig ng itinalaga kay Yahweh at ng bahagi para sa lunsod ay ukol naman sa pinuno. Ang ukol kay Yahweh at sa lunsod ay nasa gitna ng dalawang bahagi ukol sa pinuno at ito naman ay nakapagitan sa bahaging ukol sa lipi nina Juda at Benjamin. Ito naman ang para sa iba pang lipi: mula rin sa silangan hanggang kanluran ay para sa lipi ni Benjamin. Karatig ng bahagi ng lipi ni Benjamin ang bahagi naman ukol sa lipi ni Simeon. Karatig ng lipi ni Simeon ang ukol sa lipi ni Isacar; karatig ng lipi ni Isacar ang ukol sa lipi ni Zebulun; karatig ng lipi ni Zebulun ang ukol sa lipi ni Gad. Sa timog, ang hangganan ng ukol sa lipi ni Gad ay mula sa Tamar hanggang sa may bukal ng Kades, sa hangganan ng Egipto hanggang sa Dagat Mediteraneo. Ganyan ang magiging paghahati ng lupain sa mga lipi ng Israel. Ganito naman ang tungkol sa mga pintuan ng lunsod: Sa hilaga—ang luwang ay 2,250 metro— ay tatlong pinto para sa lipi nina Ruben, Juda at Levi. Ang pangalan ng mga pintong ito ay isusunod sa pangalan ng mga lipi ng Israel. Sa gawing silangan—ang luwang ay 2,250 metro—ay tatlong pinto rin para naman sa lipi nina Jose, Benjamin at Dan. Sa gawing timog—ang luwang ay 2,250 metro—ay tatlo rin ang pinto at para naman sa lipi ni Simeon, Isacar at Zebulun. Sa gawing kanluran—ang luwang ay 2,250 metro—ay tatlong pinto rin at para naman sa lipi nina Gad, Asher at Neftali. Ang sukat sa paligid ng lunsod ay 9,000 metro. Mula ngayon, ang ipapangalan sa lunsod ay, ‘Naroon si Yahweh.’ Nang ikatlong taon ng paghahari ni Haring Jehoiakim sa Juda, ang Jerusalem ay kinubkob ni Nebucadnezar na hari ng Babilonia. Pinahintulutan ng Panginoon na bihagin niya si Haring Jehoiakim at samsamin ang ilang kasangkapan sa Templo. Lahat ng ito ay dinala ni Nebucadnezar sa lupain ng Babilonia at inilagay sa kabang-yaman ng templo ng kanyang mga diyos. Iniutos ng hari kay Aspenaz, ang pinakamataas na opisyal ng palasyo, na pumili ng ilang Israelitang kabilang sa angkan ng mga hari at ilan sa angkan ng mga maharlika. Ang pipiliin nila ay mga kabataan na walang kapansanan, makikisig, matatalino, madaling turuan, may malawak na pang-unawa at karapat-dapat maglingkod sa palasyo. Tuturuan din sila ng wika at panitikan ng mga taga-Babilonia. Iniutos ng hari na sila'y paglaanan ng pagkain at alak araw-araw mula sa kanyang sariling pagkain at alak. Tatlong taon silang sasanayin bago maglingkod sa hari. Kabilang sa mga napili ay sina Daniel, Hananias, Misael, at Azarias na pawang nagmula sa lipi ni Juda. Binigyan sila ni Aspenaz ng mga bagong pangalan. Si Daniel ay Beltesazar, Shadrac naman si Hananias, Meshac si Misael, at Abednego si Azarias. Ngunit ipinasya ni Daniel na hindi niya durungisan ang kanyang sarili sa pamamagitan ng mga pagkain at alak na galing sa hari. Kaya, ipinakiusap niya kay Aspenaz na huwag silang pakainin at painumin ng mga iyon. Niloob naman ng Diyos na siya'y kalugdan at pagbigyan ni Aspenaz. Ngunit sinabi niya kay Daniel, “Natatakot lamang ako sa gagawin sa akin ng mahal na hari na naglalaan ng pagkain at inumin ninyo kapag nakita niyang mas mahina kayo kaysa sa ibang mga kabataan na kasing-edad ninyo. Tiyak na papupugutan niya ako ng ulo.” Dahil dito, lumapit si Daniel sa bantay na pinagkatiwalaan ni Aspenaz na mangalaga sa kanya at sa tatlo niyang kaibigan. Pakiusap niya, “Subukin ninyo kami sa loob ng sampung araw. Gulay lang at tubig ang ibigay ninyo sa amin. Pagkatapos, ihambing ninyo kami sa mga kasing-edad namin na pinapakain ninyo ng pagkaing bigay ng hari at gawin ninyo sa amin ang nararapat.” Sinubok nga sila sa loob ng sampung araw. At pagkalipas ng sampung araw, nakitang mas malulusog at malalakas sila kaysa mga kasing-edad nilang pinakain ng pagkaing galing sa hari. Kaya, gulay at tubig na lang ang ibinigay sa kanila sa halip na pagkain at inuming galing sa hari. Binigyan ng Diyos ang apat na kabataan ng kaalaman at kakayahan sa panitikan at agham. Bukod dito, binigyan pa si Daniel ng kakayahang umunawa at magpaliwanag ng lahat ng uri ng pangitain at panaginip. Pagkaraan ng tatlong taon na itinakda ng hari sa pagsasanay sa kanila, ang lahat ng kabataang pinili ni Aspenaz ay iniharap niya kay Haring Nebucadnezar. Kinausap sila ng hari at nakita niyang walang kapantay sina Daniel, Hananias, Misael at Azarias. Kaya't naging lingkod sila ng hari. Nakita ng hari na sa lahat ng bagay na itanong sa kanila, sampung ulit na mas mahusay at magaling sila kaysa mga salamangkero at mga enkantador ng kaharian. Naglingkod si Daniel doon hanggang sa unang taon ng paghahari ni Ciro. Noong ikalawang taon ng paghahari ni Nebucadnezar, siya ay nagkaroon ng masamang panaginip. Kaya siya'y nabagabag at hindi makatulog. Dahil dito, ipinatawag niya ang lahat ng salamangkero, enkantador, mangkukulam, at astrologo upang ipaliwanag ang kanyang panaginip. Sinabi niya sa kanila, “Nanaginip ako at ito ang bumabagabag sa akin hanggang ngayon. Ipaliwanag nga ninyo ang kahulugan ng aking panaginip.” Sumagot ang mga astrologo sa wikang Aramaico, “Mabuhay ang hari! Sabihin po ninyo ang panaginip at ipapaliwanag namin.” Sinabi ng hari sa mga astrologo, “Ipinag-uutos kong sabihin muna ninyo ang aking panaginip saka ninyo ipaliwanag. Kung hindi, ipapapatay ko kayo at ipawawasak ang inyong mga tahanan. Kapag nasabi naman ninyo at naipaliwanag ang aking panaginip, gagantimpalaan at pararangalan ko kayo. Kaya sabihin na ninyo at ipaliwanag sa akin ang aking panaginip.” Muli silang sumagot, “Mahal na hari, sabihin po ninyo ang panaginip at ipapaliwanag namin.” Sinabi naman ng hari, “Alam kong pinahahaba lang ninyo ang oras dahil sa sinabi ko sa inyo na iisa ang hatol ninyo kapag hindi ninyo nasabi at naipaliwanag sa akin ang aking panaginip. Nagkaisa kayong magsinungaling sa akin sa pag-aakalang magbabago pa ang aking isip sa paglipas ng oras. Sabihin ninyo ang aking panaginip at saka ako maniniwalang maipapaliwanag nga ninyo iyon.” Sumagot ang mga astrologo, “Wala pong tao sa daigdig na makakagawa ng iniuutos ninyo. Wala ring hari, gaano man ang kapangyarihan niya, na nag-utos ng ganyan sa sinumang salamangkero, manghuhula, o astrologo. Napakahirap gawin ng iniuutos ninyo. Mga diyos lamang ang makakagawa niyan at hindi sila namumuhay na kasama ng tao.” Dahil sa sagot na ito, nagalit ng husto ang hari kaya't ipinag-utos niyang patayin ang lahat ng mga tagapayo sa buong Babilonia. Saklaw ng kautusang ito ang lahat ng matatalinong tao sa kaharian pati si Daniel at ang kanyang mga kaibigan. Kaya, maingat na kinausap ni Daniel si Arioc, ang kapitan ng mga tanod ng hari na siyang inutusan upang patayin ang mga matatalinong tagapayo ng Babilonia. Tinanong niya ito, “Bakit po nag-utos ng ganito kabigat ang mahal na hari?” At sinabi naman sa kanya ni Arioc ang dahilan. Dahil dito, nagpunta sa hari si Daniel at nakiusap na bigyan pa siya ng panahon at ipapaliwanag niya ang panaginip nito. Matapos payagan, umuwi si Daniel at sinabi kina Hananias, Misael at Azarias ang pangyayari. Hiniling niyang sama-sama silang manalangin sa Diyos ng kalangitan tungkol sa hiwagang iyon upang hindi sila patayin kasama ng mga matatalinong tagapayo ng Babilonia. Nang gabing iyon, sa pamamagitan ng pangitain ay inihayag ng Diyos kay Daniel ang nasabing hiwaga. Kaya't pinuri niya ang Diyos ng kalangitan. Ang sabi ni Daniel: “Purihin magpakailanman ang pangalan ng Diyos, pagkat siya'y marunong at makapangyarihang lubos. Siyang nakakapagbago ng mga kapanahunan, naglalagay at nag-aalis ng mga hari sa luklukan; siyang nagbibigay ng karunungan sa matatalino at kaalaman sa may pang-unawa. Naghahayag ng mga lihim at kahiwagaan; nakatatalos sa mga nasa kadiliman, sapagkat ang kaliwanagan sa kanya'y nananahan. Pinupuri ko kayo at pinasasalamatan, O Diyos ng aking mga magulang, dahil sa kaloob ninyo sa aking lakas at karunungan, ngayo'y ibinigay ninyo sa akin ang aking kahilingan, panaginip ng hari sa ami'y ipinaalam.” Pagkatapos, bumalik si Daniel kay Arioc, ang opisyal na inutusan upang patayin ang mga tagapayo ng Babilonia. Sinabi niya, “Huwag mo munang patayin ang mga matatalinong tao. Samahan mo ako sa hari at ipapaliwanag ko ang kanyang panaginip.” Dali-daling iniharap ni Arioc si Daniel sa hari. Sinabi niya, “Mahal na hari, narito po ang isa sa mga dinalang-bihag mula sa Juda. Siya po ang makapagpapaliwanag sa inyong panaginip.” Si Daniel na tinatawag na Beltesazar ay tinanong ng hari, “Masasabi at maipapaliwanag mo ba sa akin ang aking panaginip?” Sumagot si Daniel, “Ang hiwagang gustong alamin ng hari ay hindi maipapaliwanag ng sinumang matalinong tagapayo, enkantador, salamangkero, o manghuhula. Ngunit mayroon pong isang Diyos sa kalangitan na naghahayag ng mga hiwaga at ipinakita niya sa Haring Nebucadnezar ang mga mangyayari sa mga darating na panahon. Ito ang panaginip na inyong nakita habang kayo'y natutulog: “Mahal na hari, ang panaginip ninyo ay tungkol sa mangyayari sa hinaharap at ipinapaalam ito sa inyo ng Diyos na nakakaalam ng lahat ng hiwaga. Ang hiwagang ito ay ipinaalam sa akin, hindi dahil ako'y higit na matalino kaysa iba, kundi upang ipaliwanag ito sa inyo at upang maunawaan ninyo ang gumugulo sa inyong isipan. “Mahal na hari, ang nakita ninyo ay isang malaki at nakakasilaw na rebulto. Nakatayo ito sa inyong harapan at nakakatakot pagmasdan. Ang ulo nito ay lantay na ginto, at pilak ang dibdib at mga bisig. Tanso naman ang tiyan at mga hita nito. Ang mga binti ay bakal at ang mga paa ay pinaghalong bakal at putik. Habang pinagmamasdan ninyo ito, may batong natipak sa bundok na bumagsak sa mga paa ng rebulto at nadurog ang mga paa. Pagkatapos, nadurog ding lahat ang bakal, putik, tanso, pilak, at ginto. Naging parang ipa ito at tinangay ng hangin at walang naiwan kahit bakas. Samantala, ang tipak ng batong bumagsak dito ay naging isang napakalaking bundok na pumuno sa buong daigdig. “Mahal na hari, iyan po ang inyong panaginip, at narito naman ang kahulugan: Kayo po ang pinakadakila sa lahat ng mga hari. At kayo po ay pinagkalooban ng Diyos sa langit ng kaharian, kapangyarihan, lakas, at karangalan. Niloob ng Diyos na masakop ninyo ang lahat ng tao, hayop, at ibon sa lahat ng dako. Kayo ang ulong gintong iyon. Ang susunod sa inyo ay ang ikalawang kaharian na mas mahina kaysa inyo. Pagkatapos, lilitaw ang pangatlong kaharian na isinasagisag ng tanso, at sasakupin nito ang buong daigdig. Ang pang-apat na kaharian ay sintigas ng bakal. Katulad ng nagagawa ng bakal, dudurugin ng kahariang ito ang buong daigdig. Ang kahulugan naman ng nakita ninyong mga paa na yari sa bakal at putik ay ito: mahahati ang kaharian ngunit mananatili ang tigas ng bakal sapagkat ito'y nakahalo sa putik. Ganito naman ang kahulugan ng mga paang yari sa pinaghalong bakal at putik: May bahagi itong matibay at may bahagi namang marupok. Ang kahulugan ng pinagsamang bakal at putik ay pag-aasawa ng magkakaibang lahi; ngunit hindi ito magtatagal kung paanong hindi maaaring paghaluin ang bakal at putik. Sa panahon ng mga haring iyon, ang Diyos sa kalangitan ay magtatatag ng isang kahariang hindi maibabagsak kailanman, ni masasakop ninuman. Dudurugin nito at ganap na wawasakin ang iba pang kaharian, at mananatili ito magpakailanman. Kaya't hindi na makakabangon ang mga iyon kahit kailan. Katulad ito ng inyong nakitang tipak ng bato na dumurog sa rebultong yari sa bakal, putik, tanso, pilak, at ginto. Mahal na hari, ang mangyayari sa hinaharap ay ipinapaalam na sa inyo ng dakilang Diyos. Ito po ang inyong panaginip at tiyak ang kahulugan nito.” Yumukod si Haring Nebucadnezar na lapat ang mukha sa lupa at nagbigay galang kay Daniel. Pagkatapos, iniutos niyang handugan ito ng insenso at iba pang alay. Sinabi niya kay Daniel, “Tunay na ang Diyos mo ang pinakadakila sa lahat ng mga diyos at Panginoon ng mga hari. Siya ang tagapagpahayag ng mga hiwaga kaya naipahayag mo ang hiwagang ito.” Pinarangalan ng hari si Daniel at binigyan ng napakaraming handog. Siya ay ginawa nitong tagapamahala sa buong lalawigan ng Babilonia at pinuno ng lahat ng mga tagapayo ng Babilonia. Hiniling naman ni Daniel sa hari na sina Shadrac, Meshac at Abednego ay gawing tagapangasiwa sa Babilonia upang siya'y makapanatili sa palasyo ng hari. Si Haring Nebucadnezar ay nagpagawa ng rebultong ginto na dalawampu't pitong metro ang taas at may tatlong metro naman ang lapad. Ipinatayo niya ito sa kapatagan ng Dura sa lalawigan ng Babilonia. Pagkatapos, ipinatawag niya ang mga pinuno ng mga rehiyon, mga pinuno ng mga hukbo, mga gobernador ng mga lalawigan, mga tagapayo, mga ingat-yaman, mga hukom, mga mahistrado at iba pang mga pinuno ng kaharian, para sa pagtatalaga sa nasabing rebulto. Nang nasa harap na sila ng rebulto, malakas na ipinahayag ng tagapagbalita, “Iniuutos sa lahat ng tao, mula sa lahat ng bansa at wika, na lumuhod at sumamba sa rebultong ipinagawa ni Haring Nebucadnezar sa sandaling marinig ang tunog ng tambuli, plauta, lira, sitar, alpa, at iba pang instrumento. Sinumang hindi sumunod sa utos na ito ay ihahagis agad sa naglalagablab na pugon.” Nang marinig nga ng mga tao ang tunog ng mga instrumento, agad silang lumuhod at sumamba sa rebultong ginto na ipinagawa ni Haring Nebucadnezar. Sinamantala ito ng ilang mga mamamayan ng Babilonia upang paratangan ang mga Judio. Sinabi nila kay Haring Nebucadnezar, “Mabuhay ang mahal na hari! Iniutos po ninyo na lumuhod at sumamba sa inyong rebultong ginto ang sinumang makarinig sa tugtog ng mga instrumento. At sinumang hindi sumunod ay ihahagis sa naglalagablab na pugon. Hindi po sumusunod sa utos ninyo sina Shadrac, Meshac, at Abednego, ang mga Judiong inilagay ninyo bilang mga tagapamahala sa Babilonia. Hindi po sila naglilingkod sa inyong diyos ni sumasamba sa ipinagawa ninyong rebultong ginto.” Nagalit si Haring Nebucadnezar nang marinig ito, at ipinatawag niya ang tatlong lalaki. Sinabi niya, “Shadrac, Meshac, at Abednego, totoo bang hindi kayo naglilingkod sa aking mga diyos ni sumasamba sa rebultong ginto na aking ipinagawa? Iniuutos ko sa inyong lumuhod kayo at sumamba sa ipinagawa kong rebulto sa sandaling marinig ninyo ang tunog ng mga instrumento. Kung hindi, ipahahagis ko kayo sa naglalagablab na pugon. Sa palagay ba ninyo'y may diyos na makakapagligtas sa inyo mula sa aking kapangyarihan?” Sinabi nina Shadrac, Meshac at Abednego, “Mahal na haring Nebucadnezar, wala po kaming masasabi sa inyo tungkol sa bagay na ito. Gawin ninyo kung iyan ang gusto ninyo. Ang Diyos na aming pinaglilingkuran ang magliligtas sa amin sa naglalagablab na pugon at mula sa inyong kapangyarihan. Kung hindi man niya kami iligtas, hindi pa rin kami maglilingkod sa inyong mga diyos ni sasamba sa rebultong ginto na ipinagawa ninyo.” Namula ang mukha ni Haring Nebucadnezar sa tindi ng galit kina Shadrac, Meshac at Abednego. Kaya, iniutos niyang painitin pa ng pitong ulit ang pugon. Inutusan din niya ang ilan sa mga pinakamalakas niyang kawal na gapusin sina Shadrac, Meshac at Abednego at ihagis sa naglalagablab na pugon. Ginapos nga sila nang hindi na inalis ang damit, ang panloob at panlabas, turbante, at iba pang nakasuot sa kanila, at inihagis sila sa naglalagablab na apoy. Dahil sa mahigpit ang utos ng hari na patindihin ang init ng pugon lumabas ang apoy kaya nasunog at namatay ang mga kawal na nagdala kina Shadrac, Meshac at Abednego. Samantala, nakagapos pa rin na bumagsak sa naglalagablab na apoy ang tatlong kabataan. Nagtaka at biglang napatindig si Haring Nebucadnezar at itinanong sa kanyang mga tagapayo, “Hindi ba't tatlo lamang ang inihagis sa apoy?” “Opo, kamahalan,” sagot nila. “Bakit apat ang nakikita kong walang gapos at naglalakad sa gitna ng apoy nang hindi nasusunog? At ang tingin ko sa ikaapat ay parang anak ng mga diyos.” Lumapit si Haring Nebucadnezar sa may bunganga ng pugon. Sinabi niya, “Lumabas kayo riyan at halikayo rito, Shadrac, Meshac at Abednego, mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos!” Lumabas nga silang tatlo mula sa pugon at lumapit sa kanila ang lahat ng mga pinuno ng kaharian. Tiningnan silang mabuti ng mga ito ngunit wala man lamang nakitang bakas ng apoy sa katawan ng tatlo. Hindi nasunog ni bahagya man ang kanilang buhok at ang kanilang kasuotan. Hindi rin sila nag-amoy usok. Dahil dito, sinabi ng hari, “Purihin ang Diyos nina Shadrac, Meshac at Abednego! Isinugo niya ang kanyang anghel upang iligtas ang mga lingkod niyang ito na ganap na sumampalataya sa kanya. Hindi sinunod ng mga ito ang aking utos; ginusto pa nilang sila'y ihagis sa apoy kaysa sumamba sa diyus-diyosan. Kaya, ipinag-uutos ko: Sinuman mula sa alinmang lahi, bansa o wika na magsasalita laban sa Diyos nina Shadrac, Meshac at Abednego ay papatayin at ang kanilang bahay ay wawasakin. Walang ibang diyos na makakapagligtas sa tao, tulad ng ginawa ng kanilang Diyos.” At sina Shadrac, Meshac at Abednego ay itinaas niya sa tungkulin sa lalawigan ng Babilonia. Gumawa si Haring Nebucadnezar ng isang pahayag para sa lahat ng lahi, bansa at wika sa buong daigdig. Ganito ang isinasaad: “Kapayapaan nawa ang sumainyo. Buong kagalakang ipinapahayag ko sa inyo ang mga kababalaghan at himala na ipinakita sa akin ng Kataas-taasang Diyos. “Ang kanyang kababalaghan ay kamangha-mangha at kagila-gilalas ang mga himala! Walang hanggan ang kanyang kaharian; kapangyarihan niya'y magpakailanman. “Akong si Nebucadnezar ay panatag at masaganang namumuhay sa aking palasyo. Minsan, nagkaroon ako ng isang nakakatakot na panaginip at mga nakakasindak na pangitain habang natutulog. Kaya, ipinatawag ko ang mga tagapayo ng Babilonia upang ipaliwanag sa akin ang panaginip na iyon. Dumating naman ang mga salamangkero, mga enkantador, mga astrologo at mga manghuhula. Sinabi ko sa kanila ang aking panaginip ngunit hindi nila ito maipaliwanag. Ang kahuli-hulihang nagpunta sa akin ay si Daniel na pinangalanan kong Beltesazar, ayon sa pangalan ng aking diyos sapagkat sumasakanya ang espiritu ng mga banal na diyos. At inilahad ko sa kanya ang aking panaginip. Ang sabi ko: Beltesazar, pinuno ng mga salamangkero, alam kong sumasaiyo ang espiritu ng mga banal na diyos at alam mo ang lahat ng hiwaga. Ngayo'y sasabihin ko sa iyo ang aking panaginip at ipaliwanag mo ito sa akin. “Ito ang panaginip ko habang ako'y natutulog: May isang napakataas na punongkahoy na nakatanim sa gitna ng daigdig. Tumaas ito hanggang sa langit kaya kitang-kita ito ng buong daigdig. Madahon ang mga sanga nito at maraming bunga na maaaring kainin ng lahat. Sumisilong sa lilim nito ang mga hayop at ang mga ibon naman ay namumugad sa kanyang mga sanga. Dito kumukuha ng pagkain ang lahat ng nilalang. “Nakita ko rin sa panaginip na bumababa mula sa langit ang isang anghel na nagbabantay. Sumigaw siya nang malakas, ‘Ibuwal ang punongkahoy na iyan! Putulin ang mga sanga! Lagasin ang mga dahon at isabog ang mga bunga. Itaboy ang mga hayop na nakasilong dito pati ang mga ibong namumugad sa mga sanga nito. Ngunit huwag gagalawin ang tuod at mga ugat nito. Tanikalaan ito ng bakal at tanso. Bayaan ito sa damuhan sa gitna ng parang. Bayaang mabasa ng hamog ang taong ito at manirahan sa parang kasama ng mga hayop at mga halaman. Ang isip niya'y papalitan ng isip ng hayop sa loob ng pitong taon. Ito ang hatol ng mga bantay na anghel upang malaman ng lahat na ang buong daigdig ay sakop ng Kataas-taasang Diyos. Maaari niyang gawing hari ang sinumang nais niya, kahit na ang pinakaabang tao.’ “Ito ang panaginip ko, Beltesazar. Ipaliwanag mo ito sa akin. Ito'y hindi naipaliwanag ng mga tagapayo ng Babilonia ngunit naniniwala akong kayang-kaya mo, sapagkat sumasaiyo ang espiritu ng mga banal na diyos.” Si Daniel, na tinatawag na Beltesazar ay nabahala at hindi agad nakapagsalita. Sinabi sa kanya ng hari, “Beltesazar, huwag kang mabahala kung anuman ang kahulugan ng aking panaginip.” Sumagot si Daniel, “Mahal na hari, sa mga kaaway nawa ninyo mangyari ang inyong panaginip. Ang lumaking punongkahoy na nakita ninyo sa panaginip, tumaas hanggang langit at kitang-kita ng buong daigdig, may makapal na dahon at maraming bungang makakain ng lahat, sinisilungan ng mga hayop at pinamumugaran ng mga ibon, ay kayo po. Kayo ang lumakas at lumaking puno na abot sa langit na ang nasasakop ay hanggang sa magkabilang panig ng daigdig. Ang bantay na inyong nakita ay isang anghel mula sa langit. Sinabi niyang ibubuwal ang punongkahoy at sisirain ngunit iiwan ang tuod nito at lalagyan ng tanikalang bakal at tanso. Sinabi pa niyang ito'y pababayaang mabasa ng hamog, at makakasama siya ng mga hayop sa parang at paparusahan sa loob ng pitong taon. Ito po ang kahulugan, mahal na hari: Iyon ang hatol sa inyo ng Kataas-taasang Diyos. Itataboy kayo sa parang at doon kayo maninirahang kasama ng mga hayop. Kakain kayo ng damo, tulad ng baka. Sa kaparangan kayo maninirahan at pitong taóng paparusahan hanggang sa kilalanin ninyong ang kaharian ng tao'y nasa ilalim ng kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos, at maibibigay niya ang kahariang ito sa sinumang kanyang naisin. Ganito naman ang kahulugan ng tuod na naiwan sa lupa: Maghahari kayong muli sa sandaling kilalanin ninyo na lahat ng tao'y nasa ilalim ng kapangyarihan ng Diyos. Kaya, mahal na hari, dinggin po ninyo itong ipapayo ko. Tigilan na ninyo ang inyong kasamaan at magpakabuti na kayo. Huwag po kayong maging malupit sa mahihirap na mamamayan upang manatiling payapa ang inyong buhay.” Lahat ng ito'y naganap sa buhay ni Haring Nebucadnezar. Lumipas ang labindalawang buwan mula nang ipaliwanag ni Daniel ang panaginip. Minsan, namamasyal ang hari sa hardin sa bubong ng kanyang palasyo sa Babilonia. Sinabi niya, “Talagang dakila na ang Babilonia. Ako ang nagtatag nito upang maging pangunahing lunsod at maging sagisag ng aking karangalan at kapangyarihan.” Hindi pa siya natatapos sa pagsasalita nang isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Haring Nebucadnezar, pakinggan mo ito: Aalisin na sa iyo ang kaharian. Ipagtatabuyan ka sa parang at doon maninirahan kasama ng mga hayop. Kakain ka ng damo tulad ng baka. Pitong taon kang mananatili sa gayong kalagayan hanggang sa kilalanin mong nasa ilalim ng kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos ang kaharian ng mga tao, at maaari niyang ibigay ito kaninuman niyang naisin.” Nangyari agad kay Nebucadnezar ang sinabi ng tinig. Itinaboy siya sa parang at kumain ng damo, tulad ng baka. Nabasa siya ng hamog. Humaba ang buhok niya na parang balahibo ng agila, at ang kuko ay naging tila kuko ng ibon. “Pagkatapos ng takdang panahon, akong si Nebucadnezar ay tumingala sa langit at nanumbalik ang dati kong pag-iisip. Dahil dito, pinuri ko't pinasalamatan ang Kataas-taasang Diyos, ang nabubuhay magpakailanman. Ang kapangyarihan niya'y walang hanggan, ang paghahari niya'y magpakailanman. Lahat ng nananahan sa lupa ay walang halaga; ginagawa niya sa hukbo ng langit anumang naisin niya. Walang maaaring mag-utos sa kanya ni makakatutol sa kanyang ginagawa. “Nang manauli ang aking pag-iisip, nanumbalik din ang aking karangalan at kapangyarihan. Muli kong tinanggap ang aking mga tagapayo at mga tagapamahala at ako'y naging higit na dakila at makapangyarihan kaysa dati. “Kaya, akong si Nebucadnezar ay nagpupuri ngayon at nagpapasalamat sa Hari ng kalangitan sapagkat lahat ng gawa at tuntunin niya ay matuwid at makatarungan; ibinabagsak niya ang mga palalo.” Minsan, si Haring Belsazar ay nagdaos ng malaking handaan para sa sanlibo niyang tagapamahala, at nakipag-inuman siya sa kanila. Nang lasing na si Haring Belsazar, ipinakuha niya ang mga sisidlang ginto at pilak na sinamsam ng ama niyang si Nebucadnezar sa Templo sa Jerusalem. Ipinakuha niya ang mga ito upang inuman niya at ng mga tagapamahala ng kaharian, ng kanyang mga asawa at mga asawang lingkod. Dinala naman sa bulwagang pinagdarausan ng handaan ang mga kagamitang ginto at pilak na sinamsam mula sa Templo ng Diyos sa Jerusalem, at ininuman nila ang mga ito. Habang sila'y nag-iinuman, pinupuri nila ang kanilang mga diyos na yari sa ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy at bato. Walang anu-ano'y lumitaw ang isang kamay ng tao at sumulat ito sa pader ng palasyo sa tapat ng lalagyan ng ilawan. Nakita ito ng hari, namutla siya, nangatog ang mga tuhod at nalugmok sa matinding takot. Sumigaw siya, “Dalhin dito ang mga enkantador, mga astrologo, at mga manghuhula.” Sinabi niya sa mga ito, “Sinumang makabasa at makapagpaliwanag sa nakasulat na ito ay bibihisan ko ng damit na kulay ube, kukuwintasan ko ng ginto, at gagawin kong ikatlo sa kapangyarihan sa buong kaharian.” Dumating lahat ang mga tagapayo ng hari ngunit isa ma'y walang makabasa o makapagpaliwanag sa kahulugan ng nakasulat sa pader. Lalong nabagabag at namutla ang hari. Litung-lito naman ang kanyang mga tagapamahala. Ang inang reyna ni Haring Belsazar ay pumasok sa bulwagan nang marinig niya ang pag-uusap ng anak niyang hari at ng mga tagapamahala nito. Sinabi niya, “Mabuhay ang anak kong hari. Huwag kang mabagabag at mamutla sa takot. Sa kaharian mo ay may isang taong kinakasihan ng espiritu ng mga banal na diyos. Noong panahon ng iyong amang si Nebucadnezar, nagpakita siya ng pambihirang katalinuhan, tulad ng katalinuhan ng mga diyos. Ang lalaking iyon ay hinirang noon ng iyong ama bilang pinuno ng mga salamangkero, mga enkantador, mga nakikipag-usap sa mga espiritu, at mga astrologo dahil sa pambihira niyang talino sa pagpapaliwanag ng mga panaginip at ng mga palaisipan, at paglutas ng mabibigat na suliranin. Ang lalaking iyon ay si Daniel na tinawag ng hari na Beltesazar. Ipatawag mo siya at ipapaliwanag niya ito sa iyo.” Iniharap nga si Daniel sa hari. Sinabi nito kay Daniel, “Ikaw pala ang Daniel na kasama sa mga dinalang-bihag ng aking amang hari. Nabalitaan kong sumasaiyo ang espiritu ng mga banal na diyos. Mayroon ka raw pambihirang talino at karunungan. Ang sulat na ito ay ipinabasa ko na sa mga tagapayo at mga enkantador upang ipaliwanag sa akin, ngunit hindi nila ito nagawa. Nabalitaan ko na marunong kang magpaliwanag ng mga panaginip at lumutas ng mga palaisipan. Ngayon, kung mababasa mo at maipapaliwanag ang sulat na ito, bibihisan kita ng damit na kulay ube, kukuwintasan kita ng ginto at gagawing ikatlo sa kapangyarihan sa aking kaharian.” Sinabi ni Daniel sa hari, “Mahal na hari, huwag na po ninyo akong bigyan ng anuman; ibigay na lang po ninyo sa iba ang sinasabi ninyong gantimpala. Babasahin ko na lamang po at ipapaliwanag ang nakasulat. “Mahal na hari, ang inyong amang si Nebucadnezar ay binigyan ng Kataas-taasang Diyos ng isang kaharian. Niloob ng Diyos na siya'y maging makapangyarihan at binigyan siya ng karangalan. Dahil sa kapangyarihang iyon, lahat ng tao sa bawat bansa at wika ay nanginig at natakot sa harapan niya. Ipinapapatay niya ang gusto niyang ipapatay at inililigtas niya sa kamatayan ang nais niyang iligtas. Itinataas niya sa tungkulin ang gusto niyang itaas at ibinababâ naman ang gusto niyang ibaba. Ngunit nang siya'y naging palalo, matigas ang ulo at pangahas, inalis siya sa pagiging hari at nawala ang kanyang karangalan. Inihiwalay siya sa lipunan at nanirahang kasama ng maiilap na asno. Ang isip niya'y pinalitan ng isip ng hayop. Kumain siya ng damo, tulad ng mga baka. Sa labas siya natutulog at doo'y nababasa ng hamog. Ganyan ang kanyang kalagayan hanggang sa kilalanin niya na ang Kataas-taasang Diyos ang namamahala sa kaharian ng mga tao, at inilalagay niya sa trono ang sinumang nais niya. “At bagaman alam ninyo ito, Haring Belsazar, hindi kayo nagpakumbabá. Sa halip, nagmataas kayo sa harapan ng Panginoon ng kalangitan. Ipinakuha ninyo ang mga sisidlang mula sa kanyang Templo at ininuman ninyo at ng inyong mga tagapamahala, mga asawa at asawang lingkod. Bukod doon, sumamba kayo sa mga diyos ninyong yari sa ginto, pilak, tanso, bakal, kahoy at bato, mga diyos na hindi nakakakita, hindi nakakarinig ni nakakaunawa man. At ang Diyos na nagbibigay at nagtatakda ng inyong buhay ay hindi ninyo pinarangalan. Kaya, ipinadala niya ang kamay na iyon at pinasulat sa dingding ng inyong palasyo. “Ito ang nakasulat: Mene, Mene, Tekel, Parsin. Ito naman ang kahulugan: ‘Mene,’ nabibilang na ang araw ng iyong paghahari sapagkat wawakasan na ito ng Diyos. ‘Tekel,’ tinimbang ka at napatunayang kulang. ‘Peres,’ ang kaharian mo ay mahahati at ibibigay sa Media at Persia.” Iniutos ni Haring Belsazar na bihisan si Daniel ng damit na kulay ube at kuwintasan ng yari sa dalisay na ginto. Pagkatapos, ipinahayag niyang ito ang ikatlo sa kapangyarihan sa buong kaharian. Nang gabi ring iyon, pinatay si Belsazar, ang hari ng Babilonia. Ang kanyang kaharian ay kinuha ni Dario, hari ng Media na noo'y animnapu't dalawang taon na. Si Haring Dario ay pumili ng isandaa't dalawampung pinuno ng mga rehiyon sa buong kaharian. Pumili rin siya ng tatlong mamamahala sa mga pinuno ng rehiyon at mangangalaga sa kapakanan ng hari, at isa rito si Daniel. Si Daniel ang naging pangunahin sa tatlong tagapamahala at sa mga pinuno ng mga rehiyon dahil sa pambihira niyang karunungan. Dahil dito, inisip ng hari na siya ang gawing tagapamahala sa buong kaharian. Kaya, ang dalawang kasama niyang tagapamahala at ang mga pinuno ng mga rehiyon ay humanap ng maibibintang kay Daniel upang huwag matuloy ang magandang balak ng hari para sa kanya. Ngunit wala silang makitang dahilan sapagkat laging matapat si Daniel sa kanyang tungkulin. Kaya't sinabi nila, “Wala tayong maibibintang sa kanya maliban sa mga bagay na may kinalaman sa kautusan ng kanyang Diyos.” Nagkaisa silang humarap sa hari. Sinabi nila, “Mabuhay ang Haring Dario! Kami pong mga tagapamahala ng kaharian, mga pinuno ng mga rehiyon, at mga tagapayo ay nagkakaisa ng palagay. Mabuti po'y ipag-utos ninyong sa loob ng tatlumpung araw ay walang sasamba o mananalangin sa ibang diyos o tao liban sa inyo. Sinumang hindi susunod sa utos na ito ay ihuhulog sa kulungan ng mga leon. Kaya, mahal na hari, magpalabas po kayo ng gayong kautusan at inyong lagdaan upang maging batas ng Media at Persia—batas na hindi mababago ni mapapawalang bisa.” At gayon nga ang ginawa ni Haring Dario. Nang malaman ni Daniel na nilagdaan na ng hari ang gayong kautusan, umuwi siya. Lumuhod siya't nanalangin at nagpasalamat sa kanyang Diyos sa isang silid sa itaas ng kanyang tirahan sa may bukás na bintanang nakaharap sa Jerusalem. Tatlong beses niyang ginagawa ito sa maghapon gaya ng kanyang kinaugalian. Ngunit binabantayan pala siya ng kanyang mga kaaway. Nang makita siyang nananalangin, siya'y kanilang isinumbong sa hari at sinabing, “Hindi po ba't pinagtibay ninyo ang isang kautusan na sa loob ng tatlumpung araw ay walang mananalangin sa sinumang diyos o tao liban sa inyo at ihahagis sa kulungan ng mga leon ang sinumang lumabag dito?” Sumagot ang hari, “Ang kautusan ng Media at Persia ay hindi mababago ni mapapawalang bisa.” Sinabi nila, “Mahal na hari, si Daniel po na isa sa mga dinalang-bihag mula sa Juda ay lumabag sa inyong kautusan at tatlong beses pa po kung manalangin araw-araw.” Nang malaman ito ni Haring Dario, nabalisa siya at maghapong inisip kung paano maililigtas si Daniel. Nang magkaroon muli ng pagkakataon ang mga kaaway ni Daniel, lumapit ang mga ito sa hari at sinabi, “Alalahanin ninyo, mahal na hari, na batas sa Media at Persia na hindi maaaring baguhin ang alinmang kautusan na pinagtibay ng hari.” Dahil dito, iniutos ni Haring Dario na ihulog si Daniel sa kulungan ng mga leon. Ngunit sinabi niya rito, “Nawa'y iligtas ka ng Diyos na buong katapatan mong pinaglilingkuran.” Ang bunganga ng kulungan ay tinakpan ng isang malaking bato. Tinatakan ito ng pantatak ng hari at ng kanyang mga tagapamahala para hindi mabuksan ng sinuman. Ang hari naman ay umuwi sa palasyo. Ngunit magdamag itong hindi makatulog. Hindi siya tumikim ng pagkain at ayaw rin niyang paaliw. Kinabukasan, maagang nagbangon ang hari at nagmamadaling pumunta sa kulungan ng mga leon. Pagdating doon, malungkot siyang tumawag, “Daniel, tapat na lingkod ng Diyos na buháy! Iniligtas ka ba niya sa mga leon?” Sumagot si Daniel, “Mabuhay ang hari! Wala pong nangyari sa akin sapagkat ang bibig ng mga leon ay pinatikom ng mga anghel na isinugo ng aking Diyos. Ginawa po niya ito sapagkat alam niyang wala akong kasalanan ni nagawang masama laban sa inyo.” Dahil dito, labis na nagalak ang hari at iniutos na iahon si Daniel mula sa kulungan ng mga leon. Nang siya'y maiahon na, wala silang nakita kahit man lang bahagyang galos sa katawan ni Daniel sapagkat nagtiwala siya sa kanyang Diyos. Ang mga nagbintang kay Daniel ay ipinahulog ng hari sa kulungan ng mga leon pati ang kanilang mga anak at asawa. Hindi pa sila halos sumasayad sa kulungan ay nilapa na sila ng mga leon. Pagkatapos, sinulatan ni Haring Dario ang lahat ng tao sa bawat bansa at wika sa buong daigdig. Isinasaad sa sulat: “Sumainyo ang kapayapaan! Iniuutos ko sa lahat ng aking mga nasasakupan na matakot at gumalang sa Diyos ni Daniel. “Sapagkat siya ang Diyos na buháy, at mananatili magpakailanman. Hindi mawawasak ang kanyang kaharian, at mananatili habang panahon ang kanyang kapangyarihan. Siya ay sumasaklolo at nagliligtas; gumagawa siya ng mga kababalaghan sa langit at sa lupa. Iniligtas niya si Daniel mula sa mga leon.” At naging matagumpay si Daniel sa panahon ni Haring Dario at sa panahon ni Haring Ciro ng Persia. Noong unang taon ni Belsazar bilang hari ng Babilonia, si Daniel ay nagkaroon ng pangitain sa kanyang panaginip. Isinulat ito ni Daniel. Isang gabi nakita ko na kabi-kabila ay binabayo ng malakas na hangin ang malaking dagat. Mula sa dagat ay may umahong apat na iba't ibang halimaw. Ang una ay parang leon, ngunit may mga pakpak ng agila; habang ako'y nakatingin, nabunot ang mga pakpak nito. Umangat ito sa lupa at tumayong parang tao. Binigyan ito ng isip ng tao. Ang ikalawa naman ay parang oso. Ang dalawang paa lamang nito sa huli ang inilalakad at may kagat pang tatlong tadyang. May tinig na nag-utos dito, “Sige, magpakasawa ka sa karne.” Ang ikatlo ay kahawig ng leopardo. Ito'y may apat na pakpak sa likod tulad ng sa ibon, apat din ang ulo, at binigyan ito ng kapangyarihan. Pagkaraan, nakita ko ang ikaapat na halimaw. Nakakatakot ito at napakalakas. Bakal ang ngipin nito at niluluray ang anumang makagat at tinatapakan ang matira doon. Kakaiba ito sa tatlong nauna sapagkat ito'y may sampung sungay. Pinagmasdan kong mabuti ang mga sungay at nakita kong may tumutubo pang isa. Ang tatlong sungay ay nabunot upang magkaroon ng puwang ang sungay na tumutubo. Ang sungay na ito ay may mga mata na tulad sa tao at may bibig na nagsasalita ng sobrang kayabangan. Habang ako'y nakatingin, mayroong naglagay ng mga trono. Naupo sa isa sa mga ito ang Nabubuhay Magpakailanpaman. Puting-puti ang kanyang kasuotan at gayundin ang kanyang buhok. Ang trono niya'y naglalagablab at ang mga gulong nito'y nagliliyab. Parang bukal ang apoy na dumadaloy mula sa kanya. Pinaglilingkuran siya ng milyun-milyon, bukod pa sa daan-daang milyon na nakatayo sa harap niya. Humanda na siya sa paggagawad ng hatol at binuksan ang mga aklat. Dahil sa sobrang kayabangang sinasabi ng sungay, muli akong tumingin at nakitang pinatay ang ikaapat na hayop at inihagis ito sa apoy. Ang iba namang halimaw ay inalisan ng kapangyarihan ngunit binigyan pa ng panahong mabuhay. Patuloy ang aking pangitain. Nakita ko sa alapaap sa langit ang parang isang tao. Lumapit siya sa Nabubuhay Magpakailanpaman. Binigyan siya ng kapamahalaan, ng karangalan at ng kaharian upang paglingkuran siya ng lahat ng tao sa bawat bansa at wika. Ang pamamahala niya ay hindi magwawakas, at ang kanyang kaharian ay hindi mawawasak. Akong si Daniel ay nalito at nabagabag dahil sa pangitaing iyon. Kaya't nilapitan ko ang isang nakatayo roon at tinanong ko siya kung ano ang kahulugan ng mga bagay na aking nasaksihan. Ipinaliwanag naman niya ang mga ito sa akin. Ang sabi niya, “Ang apat na halimaw ay apat na kahariang lilitaw sa daigdig. Ngunit ang mga hinirang ng Kataas-taasang Diyos ang bibigyan ng karapatang mamahala magpakailanman.” Hinangad kong malaman ang kahulugan ng ikaapat na halimaw sapagkat malaki ang kaibahan nito sa tatlo at dahil sa nakakatakot ang anyo nito: bakal ang mga ngipin at tanso ang mga panga. Dinudurog nito saka nilulunok ang lahat ng abutan at tinatapakan ang matira. Hinangad ko ring malaman ang kahulugan ng sampung sungay at ang kahulugan noong isang sungay na tumubo at naging dahilan para mabunot ang tatlo. Gusto ko ring malaman ang kahulugan ng mga mata at ng bibig sa sungay na sobrang kayabangan ang pinagsasasabi, at kung bakit ang sungay na ito'y mas malaki kaysa iba. Samantalang ako'y nakatingin, nakita kong dinigma at nilupig ng sungay na ito ang mga hinirang ng Diyos. Pagkatapos, dumating ang Nabubuhay Magpakailanpaman at nagbigay ng hatol sa panig ng mga hinirang ng Kataas-taasang Diyos. Dumating ang araw para ibigay sa bayan ng Diyos ang pamamahala sa kaharian. Ganito ang sinabi niya sa akin: “Ang ikaapat na hayop ay ang ikaapat na kahariang lilitaw sa daigdig. Kakaiba ito sa lahat ng kaharian sapagkat masasakop, yuyurakan at dudurugin nito ang buong daigdig. Ang sampung sungay ay kumakatawan sa sampung hari ng kahariang ito. Sa gitna nila'y lilitaw ang isa na kaiba sa mga nauna at tatlong hari ang kanyang pababagsakin. Magsasalita siya laban sa Kataas-taasan at pahihirapan niya ang mga hinirang ng Kataas-taasang Diyos. Tatangkain niyang baguhin ang kautusan at mga takdang kapanahunan. Ang mga hinirang ng Diyos ay ipapailalim sa kanyang kapangyarihan sa loob ng tatlong taon at kalahati. Ngunit siya'y hahatulan. Kukunin sa kanya ang kaharian at pupuksain siya nang lubusan. Ang kaharian at ang karangalan ng mga kaharian sa buong daigdig ay ibibigay sa mga hinirang ng Kataas-taasang Diyos. Sila ay maghahari magpakailanman. Maglilingkod at susunod sa kanila ang lahat ng kaharian.” Dito natapos ang pangitain. Akong si Daniel ay lubhang nabahala at namutla sa takot. Sinarili ko na lamang ang mga bagay na ito. Nang ikatlong taon ng paghahari ni Belsazar, akong si Daniel ay nagkaroon ng ikalawang pangitain. Sa pangitaing iyon ako'y nasa pampang ng Ilog Ulai, sa napapaderang lunsod ng Susa, lalawigan ng Elam. Nakita kong nakatayo sa pampang ng ilog ang isang barakong tupa. May dalawang sungay ito na parehong mahaba ngunit mas mahaba ang sungay na huling tumubo. Nakita kong ito'y nanunuwag pakanluran, pahilaga, at patimog. Walang ibang hayop na makalaban sa kanya, ni walang makalapit upang saklolohan ang sinumang daluhungin nito. Nagagawa niya ang gusto niyang gawin, kaya naging palalo siya. Habang ito'y pinagmamasdan ko, isang barakong kambing ang sumulpot na humahagibis mula sa kanluran na hindi na halos sumasayad sa lupa ang mga paa. Kapansin-pansin ang sungay nito sa pagitan ng dalawang mata. Galit na galit na sinugod niya ang barakong tupa na nakita kong nakatayo sa pampang ng ilog. Walang pakundangan niya itong pinagsusuwag hanggang sa mabali ang dalawang sungay ng tupa. Hindi naman ito makalaban. Ibinuwal ito ng kambing at niyurakan. Walang makasaklolo sa tupa. Kaya naging palalo ang barakong kambing. Nang nasa sukdulan na ang kanyang lakas, nabali ang sungay niyang malaki ngunit may pumalit na apat na kapansin-pansing sungay na nakatutok sa iba't ibang apat na direksiyon ng kalangitan. Ang isa sa apat niyang sungay ay nagkaroon ng maliit na sanga. Ito ay lumaki nang lumaki hanggang umabot sa timog, sa silangan at sa lupang pangako. Umabot ang kapangyarihan nito hanggang sa kalangitan, at pinabagsak sa lupa ang ilan sa mga bituin at tinapakan ang mga iyon. Kaya naging sobrang yabang ang maliit na sungay at kinalaban nito pati ang pinuno ng hukbo ng kalangitan. Inalis nito ang araw-araw na paghahandog at winasak ang dakong doo'y sinasamba ang pinuno ng hukbo ng kalangitan. Dinaig din nito ang hukbo ng kalangitan at ang araw-araw na paghahandog ay napalitan ng kasamaan. Ang katotohanan ay niyurakan at nagawa ng sungay ang lahat ng gusto niyang gawin. May narinig akong nag-uusap na dalawang anghel. Ang tanong ng isa, “Hanggang kailan tatagal ang mga pangyayaring ito sa pangitain? Hanggang kailan tatagal ang pagpigil sa araw-araw na paghahandog, ang paghahari ng kasamaan, at ang pagyurak sa Templo at sa hukbo ng kalangitan?” “Mangyayari ang mga ito sa loob ng 2,300 gabi at umaga. Pagkatapos, muling itatalaga at gagamitin ang Templo,” sagot ng ikalawa. Habang akong si Daniel na nakakita ng pangitaing ito ay nagsisikap na maunawaan ang kahulugan nito, biglang lumitaw sa harapan ko ang tulad ng isang tao. At mula sa pampang ng Ilog Ulai ay narinig ko ang isang tinig ng tao na nagsabi, “Gabriel, ipaliwanag mo sa taong ito ang pangitain.” Nang lumapit siya sa akin, dumapa ako sa lupa dahil sa matinding takot. Sinabi niya sa akin, “Tao, unawain mo ito: ang pangitain ay tungkol sa katapusan ng panahon.” Samantalang nagsasalita siya, walang malay-tao akong bumagsak sa lupa. Ngunit hinawakan at itinayo niya ako. Sinabi niya sa akin, “Sasabihin ko sa iyo kung ano ang mangyayari sa katapusan ng panahon kapag ipinakita na ng Diyos ang kanyang poot. Ang dalawang sungay ng barakong tupa na nakita mo ay ang mga hari ng Media at Persia. Ang barakong kambing ay ang hari ng Grecia at ang malaking sungay sa pagitan ng kanyang mga mata ay ang unang hari. Tungkol naman sa apat na sungay na humalili sa unang sungay, nangangahulugan itong mahahati sa apat ang kaharian ngunit hindi magiging makapangyarihang tulad noong una. Sa bandang huli, kapag nasa sukdulan na ang kanilang kasamaan, isang malupit at tusong hari ang lilitaw. Magiging makapangyarihan siya at katatakutan ng lahat sapagkat magagawa niya ang lahat niyang magustuhan; lulupigin niya pati ang malalakas at ang mga hinirang ng Diyos. Dahil sa kanyang katusuhan, lahat ng balakin niya ay magtatagumpay. Magiging palalo siya at walang pakundangan niyang yuyurakan ang marami. Walang sinumang taong makakahadlang sa kanya; pati ang Pinuno ng mga pinuno ay lalabanan niya. Ngunit pababagsakin siya hindi sa pamamagitan ng kapangyarihan ng tao. Ang pangitaing nakita mo tungkol sa paghahandog sa gabi at sa umaga ay totoo ngunit ilihim mo muna ito sapagkat matatagalan pa bago ito maganap.” Akong si Daniel ay nanghina at nagkasakit nang ilang araw. Pagkatapos, nagbalik ako sa gawain ko sa palasyo ng hari. Nabagabag ako ng pangitaing iyon sapagkat hindi ko iyon maunawaan. Noon ay unang taon ng paghahari ni Dario sa Babilonia. Siya ay anak ni Xerxes at buhat sa lahing Medo. Akong si Daniel ay nagbabasa ng mga aklat upang alamin ang kahulugan ng pitumpung taóng pagkawasak ng Jerusalem ayon sa sinabi ni Yahweh kay Propeta Jeremias. Dahil dito, buong taimtim akong nanalangin at nakiusap sa Panginoong Diyos. Nag-ayuno ako, nagsuot ng damit-panluksa at naupo sa abo. Nanalangin ako kay Yahweh na aking Diyos at inihingi ko ng kapatawaran ang mga kasalanan ng aking mga kababayan. Ganito ang sinabi ko: “O Panginoon, dakila at Kamangha-manghang Diyos na laging tapat sa kasunduan at tunay na nagmamahal sa mga umiibig sa inyo at sumusunod sa inyong mga utos. Nagkasala po kami at nagpakasama. Naghimagsik po kami at sumuway sa inyong mga tuntunin at utos. Hindi kami nakinig sa inyong mga lingkod na propeta na binigyan ninyo ng kapangyarihang magpahayag sa aming mga hari, pinuno, magulang at sa buong bayan. Panginoon, lagi po kayong nasa katuwiran at kami hanggang ngayo'y nasa kahihiyan, gayundin po ang buong Juda at Jerusalem, ang buong Israel, pati ang mga ipinatapon ninyo sa iba't ibang dako dahil sa kanilang kataksilan. Kami po, O Yahweh, ang aming mga hari, pinuno at magulang ay nahihiya sapagkat nagkasala kami sa inyo. Panginoon naming Diyos, kayo po ay mahabagin at mapagpatawad sa kabila ng lagi naming paghihimagsik at pagsuway sa mga utos na ibinigay ninyo sa amin na inyong mga alipin sa pamamagitan ng inyong mga lingkod na propeta. Ang buong Israel ay nagkasala sa inyo, sumuway sa inyong kautusan at hindi nakinig sa inyong tinig. Dahil dito, ibinuhos ninyo sa amin ang mga sumpa na nasasaad sa aklat ng kautusan ng lingkod ninyong si Moises. Tinupad ninyo ang inyong sinabi sa amin at sa aming mga pinuno na kami'y inyong paparusahan dahil sa aming pagkakasala; sapagkat sa buong daigdig ay wala pang nangyaring tulad ng dinanas ng Jerusalem. Tulad ng nasusulat sa Kautusan ni Moises, naranasan namin ang kapahamakang ito. Gayunman, Yahweh, aming Diyos, wala kaming ginawa upang maglubag ang inyong kalooban. Hindi rin namin tinalikuran ang aming kasamaan ni kinilala ang katotohanang inyong ipinapahayag. Kaya, pinarusahan ninyo kami dahil sa aming pagsuway sapagkat kayo, O Yahweh na aming Diyos ay matuwid sa lahat ng inyong gawa. Panginoon naming Diyos, ipinakilala ninyo ang inyong kapangyarihan mula nang ilabas ninyo ang inyong bayan mula sa lupain ng Egipto hanggang ngayon. Kinikilala namin ang aming pagkakasala sa inyo. Kaya nga, O Panginoon, alang-alang sa inyong mabuting gawa, huwag na po kayong mapoot sa Jerusalem na inyong lunsod, ang inyong banal na bundok. Dahil sa kasamaan namin at ng aming mga magulang, ang Jerusalem at ang inyong bayan ay hinahamak ng mga bansang nakapaligid sa amin. Dahil dito, O aming Diyos, pakinggan po ninyo ang pakiusap at daing ng inyong alipin at alang-alang sa inyo O Diyos, kahabagan po ninyo ang inyong Templong nawasak. O Diyos ko, pakinggan po ninyo kami. Masdan ninyo ang masaklap naming kalagayan at ang pagkawasak ng lunsod na nagtataglay ng inyong pangalan. Lumalapit po kami sa inyo hindi dahil sa kami'y matuwid kundi dahil sa kayo'y mahabagin. Dinggin po ninyo kami, O Panginoon; patawarin po ninyo kami, O Panginoon; kahabagan po ninyo kami, O Panginoon. Alang-alang sa inyo, aking Diyos, huwag na po kayong mag-atubili, yamang ang inyong lunsod at ang inyong sambayanan ay nakatatag sa ibabaw ng inyong kapangyarihan.” Habang ako'y nananalangin at ipinapahayag ko ang aking kasalanan at ang kasalanan ng bayan kong Israel, nakikiusap ako Yahweh, aking Diyos, alang-alang sa banal na bundok ng aking Diyos, ang anghel na si Gabriel, na nakita ko sa aking unang pangitain, ay mabilis na lumipad palapit sa akin sa oras ng paghahandog sa gabi. Sinabi niya, “Daniel, naparito ako para bigyan ka ng karunungan at pang-unawa. Sa simula pa lamang ng iyong pakikiusap ay tinugon ka na ng Diyos. Labis ka niyang minamahal. Naparito ako para sabihin sa iyo ang kanyang tugon, kaya makinig ka upang maunawaan mo ang pangitain. “Pitumpung linggo ang panahong palugit sa iyong sambayanan at sa banal na lunsod upang tigilan ang pagsuway, wakasan ang kasamaan, at pagbayaran ang kasalanan. Pagkatapos, maghahari na ang walang hanggang katarungan, magaganap ang kahulugan ng pangitain at ang pahayag; itatalaga na rin ang Kabanal-banalan. Unawain mo ito: Mula sa pagbibigay ng utos na muling itayo ang Jerusalem hanggang sa pagdating ng pinunong hinirang ng Diyos ay lilipas ang pitong linggo. Muling itatayo ang Jerusalem, ang mga lansangan at pader nito ay aayusin sa loob ng animnapu't dalawang linggo; ito ay panahon rin ng kaguluhan. Pagkalipas ng animnapu't dalawang linggo, papatayin ang hinirang ng Diyos. Ang lunsod at ang templo ay wawasakin ng hukbo ng isang makapangyarihang hari. Ang wakas ay darating na parang baha at magkakaroon ng digmaan at pagkawasak na itinakda ng Diyos. Ang haring ito'y gagawa ng isang matibay na kasunduan sa maraming tao sa loob ng isang linggo. Pagkaraan ng kalahating linggo, papatigilin niya ang paghahandog. Ilalagay niya sa itaas ng Templo ang kasuklam-suklam na kalapastanganan. Mananatili ito roon hanggang sa wakasan ng Diyos ang naglagay nito.” Nang ikatlong taon ng paghahari ni Ciro ng Persia, isang pahayag ang dumating kay Daniel na tinatawag ding Beltesazar. Ang pahayag na iyon ay totoo ngunit mahirap unawain. Ngunit naunawaan din ito ni Daniel sa pamamagitan ng pangitain. Noon, akong si Daniel ay tatlong linggo nang nagluluksa. Tatlong linggo na rin akong hindi kumain ng anumang masarap na pagkain, ni tumikim man lamang ng karne o alak. Ni hindi ako naglagay ng langis sa aking ulo. Noong ikadalawampu't apat na araw ng unang buwan, habang nakatayo ako sa pampang ng malaking Ilog Tigris, tumingala ako at may nakita akong isang lalaking nakadamit ng telang lino at may sinturong yari sa lantay na ginto. Ang katawan niya'y kumikinang na parang topaz at ang kanyang mukha ay kumikislap na parang kidlat. Nagliliyab na parang sulo ang kanyang mga mata at ang kanyang mga paa't kamay ay nagniningning na parang makinis na tanso. Ang kanyang tinig ay parang ingay ng napakaraming tao. Akong si Daniel lamang ang nakakita sa pangitain sapagkat nagtakbuhang nanginginig sa takot at nagsipagtago ang aking mga kasama. Naiwan akong mag-isa, kaya ako lang ang nakakita sa pangitain. Nawalan ako ng lakas at ako'y namutla. Nagsalita ang lalaking iyon; at nang marinig ko ang kanyang tinig, walang malay akong nasubasob sa lupa. Walang anu-ano, may kamay na biglang humawak sa akin. Dahil sa takot, nanginginig pa rin ang aking mga kamay at mga tuhod. Sinabi niya, “O Daniel, lubos kitang minamahal, tumayo ka at pakinggan mong mabuti ang sasabihin ko. Isinugo ako para sabihin ito sa iyo.” Nanginginig naman akong tumayo. Sinabi pa niya sa akin, “Huwag kang matakot, Daniel, sapagkat mula pa nang nagpakumbabá ka sa harapan ng Diyos upang magkaroon ka ng pang-unawa, dininig na ang iyong dalangin. Kaya naparito ako. Ngunit pinigilan ako ng pinuno ng kaharian ng Persia sa loob ng dalawampu't isang araw, hanggang sa dumating si Miguel, isa sa mga pangunahing pinuno na sumaklolo sa akin sapagkat naiwan ako noong nag-iisa kasama ng mga hari ng Persia. Nagtuloy na ako rito upang ipaliwanag kung ano ang mangyayari sa iyong mga kababayan pagdating ng araw. Ang nakita mong pangitain ay tungkol sa hinaharap.” Matapos niyang sabihin ito, napayuko na lamang ako at hindi makapagsalita. At may isang kahawig ng tao na biglang humipo sa aking labi at muli akong nakapagsalita. Sinabi ko sa aking kaharap, “Ginoo, nabagabag po ako at nawalan ng lakas dahil sa pangitaing ito. Hindi po ako makapagsalitang tulad ninyo sapagkat wala nga akong lakas. Halos hindi ako makahinga.” Kaya muli niya akong hinipo at nanumbalik ang aking lakas. Sinabi niya sa akin, “Ikaw na labis na minamahal, huwag kang matakot. Ipanatag mo ang iyong kalooban at magpakatapang ka.” Pagkatapos niyang magsalita, tuluyan nang nagbalik ang aking lakas. Sinabi ko, “Magpatuloy kayo, ginoo, at naibalik na ninyo ang aking lakas.” Sinabi niya, “Alam mo ba kung bakit ako naparito? Babalik ako sa Persia upang ituloy ang pakikipaglaban sa pinuno ng kahariang iyon. Pagkatapos ay darating naman ang pinuno ng Grecia. Naparito ako upang ipaliwanag sa iyo ang nasa Aklat ng Katotohanan. Sa pakikipaglaban ko'y wala akong makatulong kundi si Miguel na iyong pinuno.” “Nang unang taon ng paghahari ni Dario na taga-Media, pinalakas ni Miguel ang aking kalooban at tinulungan niya ako. “Ngayon, sasabihin ko sa iyo ang katotohanan: Magkakaroon pa ng tatlong hari ang Persia. Pagkatapos, lilitaw naman ang ikaapat na hari na magiging mas mayaman kaysa sa kanilang lahat. Dahil sa kanyang kayamanan, siya'y magiging makapangyarihan at hahamunin niya ang kaharian ng Grecia. Pagkatapos, lilitaw ang isa na namang makapangyarihang hari. Ito ay maghahari sa isang malawak na nasasakupan at gagawin niya ang anumang kanyang maibigan. Kapag naghahari na siya, mahahati sa apat ang kanyang kaharian ngunit isa ma'y walang mauuwi sa kanyang mga kaanak. Ang kaharian niya'y masasakop ng mga taga-ibang bayan, ngunit sinuman sa kanila'y hindi magkakaroon ng kapangyarihang mamahala tulad ng sa kanya. “Ang hari sa Egipto ay magiging makapangyarihan. Ngunit magiging mas makapangyarihan kaysa kanya ang isa niyang pinuno, at mas magiging malawak ang kaharian nito. Pagkalipas ng ilang taon, ang hari ng Egipto ay makikipagkasundo sa hari ng Siria at ipakakasal sa kanya ang anak nitong babae. Ngunit ang pagkakasundo ay di magtatagal. Siya, ang kanyang asawa't anak at ang mga lingkod na sumama sa kanya ay papataying lahat. “Hindi magtatagal at isa sa kanyang mga kamag-anak ang magiging hari. Sisirain nito ang tanggulan ng kaharian sa hilaga. Papasukin niya ito at siya'y magtatagumpay. Sasamsamin din niya at iuuwi sa Egipto ang kanilang mga diyus-diyosan, pati ang mga kagamitang pilak at ginto. Pagkalipas noon, hindi na niya muling sasalakayin ang kaharian sa hilaga sa loob ng maraming taon. At sila naman ang sasalakayin ng mga taga-hilaga. Madadaig sila ngunit babalik din ang mga iyon sa kanilang lupain. “Ang mga anak ng hari ng Siria ay magtitipon ng maraming kawal at maghahanda sa pakikipagdigma. Parang baha na sasalakayin ng isa sa kanila ang tanggulan ng hari ng Egipto. Dahil dito, galit na haharapin sila ng hari ng Egipto, kasama ang marami nitong kawal na lulupig sa kanila. Bunga nito, magiging palalo ang hari ng Egipto dahil sa libu-libong kawal na napatay niya, ngunit hindi magtatagal ang kanyang pagtatagumpay. Ang hari ng Siria ay muling magtatayo ng hukbo na mas malaki kaysa una nitong hukbo. Pagkalipas ng ilang taon, muli itong sasalakay kasama ang mas maraming kawal na may dalang napakaraming kagamitang pandigma. “Sa panahong iyon, marami ang maghihimagsik laban sa hari ng Egipto, kabilang na ang mga kababayan mong mapupusok. Mag-aalsa rin sila upang matupad ang kanilang hangarin, ngunit mabibigo silang lahat. Ang hari ng Siria ay darating upang kubkubin at salakayin ang isang matibay na lunsod. Walang magagawa ang hukbo ng hari ng Egipto pati ang mga pinakamahuhusay na kawal nito. Kaya't magagawa ng Asirianong manlulupig ang lahat ng gusto niya at walang sinumang makakahadlang sa kanya. Sasakupin niya ang lupang pangako at lubusan itong mapapasailalim sa kanyang kapangyarihan. “Pipilitin niyang sakupin ang buong kaharian ng Egipto. Makikipagkasundo siya sa hari doon at iaalok ang kanyang anak na babae upang maging asawa nito sa layuning wasakin ang kaharian ng Egipto. Ngunit hindi magtatagumpay ang kanyang layunin. Pagkaraan niyon, haharapin niya ang mga bansa sa baybay-dagat at bibihagin ang marami sa mga tagaroon. Ngunit matatalo siya ng isang pinuno at ito ang puputol sa kanyang kapalaluan upang hindi siya makaganti. Ang haring ito ay babalik sa mga kuta ng kanyang lupain ngunit matatalo rin at mamamatay. “Ang papalit sa haring ito ay magsusugo ng mga taong sapilitang maniningil ng buwis para sa karangalan ng kaharian. Ngunit hindi magtatagal, siya'y mamamatay nang hindi dahil sa labanan o sa digmaan. “May lilitaw na isang malupit at kinapopootang tao na gustong maging hari. Ngunit hindi ibibigay sa kanya ang karapatan sa trono. Kaya, bigla niyang aagawin ang kaharian sa pamamagitan ng pandaraya at katusuhan. Gagapiin niya at dudurugin ang mga hukbong sandatahan pati ang Dakilang Pari. Makikipagkasundo siya sa maraming mga bansa, ngunit dadayain niya ang mga ito. Bagama't kakaunti ang kanyang mga tauhan, siya ay magiging makapangyarihan. Lihim niyang kukunin ang pinakamayayamang bahagi ng lalawigan. Gagawin niya ang mga bagay na hindi ginawa ng kanyang mga ninuno. Ang kanyang mga tagasunod ay bibigyan niya ng bahagi mula sa mga nasamsam nila sa digmaan. Iisip siya ng mga panukala upang lusubin ang iba't ibang kuta, ngunit hindi siya magtatagal. “Ang haring ito ay magtatatag ng isang malaking hukbo upang ipakita ang kanyang lakas at tapang laban sa hari ng Egipto, ngunit mas malaki at mas malakas ang hukbong ihaharap nito sa kanya. Gayunman, madadaya ang hari ng Egipto at siya ay hindi magtatagumpay. Pagtatangkaan siyang patayin maging ng mga kasalo niya sa pagkain. Malulupig din ang kanyang hukbo at marami ang mamamatay sa labanan. Ang dalawang hari na kapwa may masamang balak ay magkasalong kakain at magsasalita ng kasinungalingan sa isa't isa. Gayunman, walang mangyayari sa iniisip nila sapagkat hindi pa dumarating ang takdang panahon. Ang hari ng Siria ay uuwing taglay ang malaking kayamanang nasamsam niya. Ngunit bago siya umuwi sa sariling kuta, uusigin muna niya ang relihiyon ng bayan ng Diyos. “Pagdating ng takdang araw, sasalakayin niyang muli ang Egipto, ngunit sa pagkakataong iyon, ang mangyayari'y hindi tulad noong una. Hahadlangan siya ng hukbong-dagat ng Kitim at matatakot siya. Dahil dito, aatras siya at ibubuhos sa relihiyon ng bayan ng Diyos ang kanyang poot. Sa pagbabalik niyang ito, pahahalagahan niya ang payo ng mga tumalikod sa presensya ng Diyos. Magpapadala siya ng mga hukbong sandatahan upang lapastanganin ang Templo. Ipapatigil niya ang araw-araw na paghahandog at ipapalit ang kasuklam-suklam na kalapastanganan. Aakitin niya sa pamamagitan ng panlilinlang ang mga Judiong tumalikod sa kasunduan, ngunit maninindigan ang mga nananatiling tapat sa kanilang Diyos. Tuturuan ng marurunong sa lupain ang mga tao kahit na sa simula ay mamamatay ang iba sa kanila sa pamamagitan ng espada at apoy o mabihag at pagnakawan. Sa kanilang pagkatalo, may ilan lamang na tutulong sa kanila bagama't marami ang magkukunwaring kasama nila. Ilan sa marurunong ang nagbubuwis ng buhay upang ang mga nalabi sa kanila ay maging dalisay at malinis hanggang sa dumating ang takdang wakas. “Gagawin ng hari ang kanyang magustuhan. Itataas niya ang kanyang sarili at gagawing higit kaysa alinmang diyos; hahamakin niya maging ang Kataas-taasang Diyos. Magtatagumpay lamang siya habang hindi pa ibinubuhos ng Diyos ang kanyang poot, sapagkat kailangang maganap ang mga bagay na itinakda. Hindi niya pahahalagahan ang mga diyos ng kanyang mga ninuno ni ang sinasamba ng mga kababaihan. Sa katunayan, wala siyang pahahalagahang diyos, sapagkat ipalalagay niyang higit siya sa lahat. Wala siyang kikilalaning diyos kundi ang diyos na nagbabantay ng mga muog. Mag-aalay siya ng ginto, pilak, mamahaling bato at mamahaling regalo sa diyos na hindi kilala ng kanyang mga ninuno. Gagamitin niya ang mga taong sumasamba sa mga diyus-diyosang hindi kilala upang ipagtanggol ang kanyang mga muog. Pagkakalooban niya ng malaking karangalan ang lahat ng tatanggap sa kanya bilang pinuno. Sila'y gagawin niyang tagapamahala at bibigyan ng lupain bilang gantimpala. “Darating ang araw na ang hari ng Siria ay sasalakayin ng hari ng Egipto, ngunit haharapin niya ito sa pamamagitan ng maraming karwaheng pandigma, kabayuhan at mga sasakyang pandagat. Sasakupin niya ang mga bansa na parang dinaanan ng isang malaking baha. Papasukin din niya ang lupang pangako at libu-libo ang mamamatay sa labanan. Ngunit makakaligtas ang mga Edomita, Moabita at ang mga nalabing Ammonita. Maraming bansa ang masasakop niya, kabilang dito ang Egipto. Pamamahalaan niya ang ginto, pilak at lahat ng kayamanan ng Egipto; pati ang Libya at ang Etiopia ay masasakop niya. Ngunit mabibigla siya dahil sa balitang darating mula sa silangan at hilaga. Dahil dito'y mag-aalab ang kanyang galit at papatay ng marami sa labanan. Magtatayo siya ng mala-palasyong tolda sa pagitan ng dagat at ng banal na bundok na kinalalagyan ng Templo. Ngunit doon siya mamamatay ng wala man lang tutulong sa kanya. “Sa panahong iyon, darating ang dakilang anghel na si Miguel, ang makapangyarihang pinuno at tagapagtanggol ng bansang Israel, at magkakaroon ng matinding kahirapang hindi pa nangyayari kailanman. Ngunit maliligtas ang mga kababayan mong ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng Diyos. Muling mabubuhay ang maraming mga namatay sa lahat ng panig ng daigdig; ang iba'y sa buhay na walang hanggan, at ang iba nama'y sa kaparusahang walang hanggan. Ang marurunong na pinuno ay magniningning na gaya ng liwanag sa langit at ang mga umaakay sa marami sa pagiging matuwid ay sisikat na parang bituin magpakailanman. Daniel, ingatan mo muna ang mga pahayag na ito at isara ang aklat upang hindi ito mabuksan hanggang sa katapusan ng sanlibutan. Marami ang magsasaliksik at magsisikap na maunawaan ang maraming bagay.” Akong si Daniel ay tumingin at may nakita akong dalawang tao, isa sa magkabilang pampang ng ilog. Tinanong ng isa ang anghel na nakatayo sa gawing dulo, “Gaano pa katagal bago maganap ang mga pangitaing ito?” Itinaas ng anghel ang dalawang kamay at narinig kong sinabi niya, “Sa pangalan ng Diyos na nabubuhay magpakailanman, magaganap ang lahat ng ito sa loob ng tatlong taon at kalahati, kapag natapos na ang paghihirap ng bayan ng Diyos.” Hindi ko naunawaan ang kanyang sagot, kaya't ako'y nagtanong, “Ginoo, ano po ba ang kahihinatnan ng lahat ng ito?” Sinabi niya sa akin, “Makakaalis ka na, Daniel. Ang kahulugan nito'y mananatiling lihim hanggang dumating ang wakas. Marami ang dadalisayin at mapapatunayang may malinis na kalooban. Ngunit magpapakasama pa ang masasama, at wala isa man sa kanila ang makakaunawa sa mga bagay na mauunawaan ng marurunong. Lilipas ang 1,290 araw mula sa panahon na papatigilin ang araw-araw na paghahandog at ilalagay ang kasuklam-suklam. Mapapalad ang mananatiling tapat hanggang sa matapos ang 1,335 araw. Daniel, maging tapat ka nawa hanggang sa wakas. Mamamatay ka ngunit muling bubuhayin sa huling araw upang tanggapin ang iyong gantimpala.” Ang aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Yahweh kay Hosea, na anak ni Beeri. Si Yahweh ay nagpahayag sa kanya noong panahon ng paghahari sa Juda nina Uzias, Jotam, Ahaz, at Hezekias. Si Jeroboam na anak ni Jehoas ang hari noon ng Israel. Nang unang mangusap si Yahweh sa Israel sa pamamagitan ni Hosea, sinabi niya, “Mag-asawa ka ng isang babaing nakikipagtalik sa iba-ibang mga lalaki. Magkaroon ka ng mga anak sa kanya. Sapagkat katulad din ng babaing iyan, ang mga tao sa lupaing ito ay nagtaksil sa akin.” Napangasawa nga ni Hosea si Gomer na anak ni Diblaim. Di nagtagal, ang babae ay naglihi at nanganak ng isang lalaki. Sinabi ni Yahweh kay Hosea, “Jezreel ang ipapangalan mo sa bata sapagkat paparusahan ko ang sambahayan ni Jehu dahil sa maramihang pagpaslang sa Jezreel at wawakasan ko ang kaharian ng Israel. Sa araw na iyon, wawasakin ko sa libis ng Jezreel ang lakas ng hukbong Israel.” Naglihing muli si Gomer at isang babae naman ang kanyang naging anak. Sabi ni Yahweh kay Hosea, “Tawagin mo siyang Lo-ruhama sapagkat hindi ko na kahahabagan ni patatawarin man ang Israel. Ngunit kahahabagan ko ang sambahayan ni Juda. Ililigtas ko sila, subalit hindi sa pamamagitan ng pana, tabak, digmaan, mga kabayo, ni ng mga mangangabayo man, kundi sa pamamagitan ng sarili kong kapangyarihan.” Nang si Lo-ruhama ay mahiwalay na sa pagpapasuso ng ina, naglihi muli si Gomer at nagsilang ng isang lalaki. At sinabi ni Yahweh, “Tawagin mo siyang Lo-ammi, sapagkat ang Israel ay hindi ko na ituturing na aking bayan at hindi na ako ang kanilang Diyos.” Gayunma'y magiging kasindami ng buhangin sa dagat ang bilang ng mga taga-Israel, hindi mabibilang dahil sa sobrang dami. Ngayo'y sinabi sa kanila, “Kayo'y hindi ko bayan,” ngunit darating ang panahon na sasabihin sa kanila, “Kayo ang mga anak ng Diyos na buháy.” Muling magkakasama ang mga taga-Juda at mga taga-Israel; itatalaga nila ang isang pinuno, at muli silang uunlad at magiging sagana sa kanilang lupain. Ang araw na iyon ay magiging isang dakilang araw sa Jezreel. Kaya't tatawagin ninyo ang inyong mga kapwa Israelita na “Ammi” at “Ruhama”. Pakiusapan mo ang iyong ina, pakiusapan mo siya, sapagkat hindi ko na siya itinuturing na asawa, at wala na akong kaugnayan sa kanya. Pakiusapan mo siyang itigil ang pangangalunya, at tigilan na ang kanyang kataksilan. Kung hindi'y huhubaran ko siya tulad ng isang sanggol na bagong silang; gagawin ko siyang tulad ng disyerto, tulad ng isang tigang na lupa, at hahayaan ko siyang mamatay sa uhaw. Hindi ko kakahabagan ang kanyang mga anak, sapagkat sila ay mga anak sa pagkakasala. Ang kanilang ina ay naging taksil na asawa; at siyang sa kanila'y naglihi ay naging kahiya-hiya. Sinabi pa nga niya, “Susundan ko ang aking mga mangingibig, na nagbibigay ng aking pagkain at inumin, ng aking damit at balabal, langis at alak.” Dahil dito, haharangan ko ng mga tinik ang kanyang mga landas; paliligiran ko siya ng pader, upang hindi niya matagpuan ang kanyang mga landas. Hahabulin niya ang kanyang mga mangingibig, ngunit sila'y hindi niya maaabutan. Sila'y kanyang hahanapin, ngunit hindi niya matatagpuan. Kung magkagayon, sasabihin niya, “Babalik ako sa aking unang asawa, sapagkat higit na mabuti ang buhay ko sa piling niya noon kaysa kalagayan ko ngayon.” Hindi niya kinilalang ako ang nagbigay sa kanya ng pagkaing butil, ng alak at ng langis. Sa akin nanggaling ang pilak at ginto na ginagamit niya sa pagsamba kay Baal. Kaya't babawiin ko ang pagkaing butil na aking ibinigay maging ang bagong alak sa kapanahunan nito. Babawiin ko rin ang mga damit at balabal, na itinakip ko sa kanyang kahubaran. Ngayo'y ilalantad ko ang kanyang kahubaran sa harapan ng kanyang mga mangingibig, walang makakapagligtas sa kanya mula sa aking mga kamay. Wawakasan ko na ang lahat ng kanyang pagdiriwang, ang mga kasayahan at mga araw ng pangilin, gayundin ang lahat ng itinakda niyang kapistahan. Sasalantain ko ang kanyang mga ubasan at mga punong igos, na sinasabi niyang upa sa kanya ng kanyang mga mangingibig. Lahat ng iyan ay kakainin ng mga hayop, at masukal na gubat ang kauuwian. Paparusahan ko siya dahil sa mga kapistahan, na kanyang ipinagdiwang sa karangalan ni Baal; nagsunog siya ng insenso sa mga diyus-diyosan, nagsuot din siya ng mga singsing at alahas, pagkatapos ay humabol sa kanyang mga mangingibig, at ako'y kanyang nilimot, sabi ni Yahweh. “Ngunit masdan mo, siya'y muli kong susuyuin, dadalhin ko sa ilang, kakausapin nang buong giliw. Doon ay ibabalik ko sa kanya ang kanyang mga ubasan, at gagawin kong pinto ng pag-asa ang Libis ng Kaguluhan. Tutugon naman siya tulad noong panahon ng kanyang kabataan, nang siya'y ilabas ko sa lupain ng Egipto.” “At sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh, “Ang itatawag mo sa akin ay ‘Aking Asawa,’ at hindi mo na ako tatawaging ‘Aking Baal.’ Sapagkat ipalilimot ko na sa iyo ang mga pangalan ng mga Baal, at hindi na muling ipababanggit ang mga ito. Sa araw na iyon, alang-alang sa iyo, makikipagkasundo ako sa mga hayop sa parang, sa mga ibon sa kalawakan, sa mga nilikhang sa lupa'y gumagapang. Aalisin ko sa lupain ang pana, ang espada at ang digmaan. Upang kayo'y makapagpahingang matiwasay. Ikaw ay magiging aking asawa magpakailanman, Israel; mabubuklod tayo sa katuwiran at katarungan, sa wagas na pag-ibig at sa pagmamalasakit sa isa't isa. Ikaw ay magiging tapat kong asawa, at kikilalanin mong ako nga si Yahweh.” “Sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh, “Tutugunin ko ang panalangin ng aking bayan, magkakaroon ng ulan upang ibuhos sa lupa. Sa gayon, sasagana sa lupain ang pagkaing butil, ang alak at ang langis. Ito naman ang katugunan sa pangangailangan ng Jezreel. Sa panahon ding iyon ay ibabalik ko ang mga Israelita sa kanilang lupain. Kahahabagan ko si Lo-ruhama, at sasabihin ko kay Lo-Ammi, ‘Ikaw ang aking Bayan’, at tutugon naman siya, ‘Ikaw ang aking Diyos.’” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Umalis kang muli, at ipakita mo ang iyong pag-ibig sa iyong asawa bagaman siya'y nangangalunya. Sapagkat mahal pa rin ni Yahweh ang Israel kahit na sumamba sila sa ibang mga diyos at laging naghahandog sa mga ito ng tinapay na may pasas.” Kaya't binili ko siya sa halagang labinlimang pirasong pilak at 150 kilong sebada. At sinabi ko sa kanya, “Manatili kang tapat sa akin. Huwag ka nang mangalunya o makipagtalik pa sa ibang lalaki. Ako ay magiging tapat sa iyo.” Sapagkat ang mga taga-Israel ay mamumuhay na walang hari at walang pinuno sa loob ng mahabang panahon. Mawawalan din sila ng mga handog, Ashera, efod, at larawan ng mga diyus-diyosan. Pagkatapos, magbabalik-loob sila kay Yahweh na kanilang Diyos at kay David na kanilang hari. Sa mga huling araw, nanginginig silang lalapit kay Yahweh at malalasap nila ang kanyang kabutihan. Dinggin ninyo, mga taga-Israel, ang pahayag ni Yahweh, sapagkat may bintang siya laban sa inyo. “Sa lupaing ito ay walang katapatan, walang pagmamahalan at walang pagkilala sa Diyos. Sa halip ay laganap ang pagtutungayaw at pagsisinungaling, pagpatay, pagnanakaw at pangangalunya. Nilalabag nila ang lahat ng batas at sunod-sunod ang mga pamamaslang. Kaya't nagdadalamhati ang lupain, nalulumbay ang lahat ng naninirahan dito. Halos malipol ang mga hayop sa parang, ang mga ibon sa papawirin, at ang mga isda sa dagat. “Gayunma'y huwag magbintang ang sinuman, at huwag usigin ang iba, sapagkat ang hinanakit ko'y laban sa inyo, mga pari. Araw at gabi'y lagi kayong nabibigo, at ang propeta'y kasama ninyong bigo. Kaya't lilipulin ko ang Israel na inyong ina. Nalipol ang aking bayan dahil sa kamangmangan; sapagkat itinakwil ninyo ang karunungan, itinatakwil ko rin kayo bilang pari. At dahil kinalimutan ninyo ang kautusan ng inyong Diyos, kalilimutan ko rin ang inyong mga anak. “Habang dumarami ang mga pari, lalo naman silang nagkakasala sa akin; kaya gagawin kong kahihiyan ang kanilang kadakilaan. Yumayaman sila dahil sa kasalanan ng mga tao; nabubusog sila sa kasamaan ng aking bayan. At gayon nga ang nangyayari, kung ano ang pari, gayundin ang bayan. Kaya't paparusahan ko sila at pagbabayarin, dahil sa kanilang kasamaan. Sila'y kakain, ngunit hindi mabubusog; makikipagtalik sila sa mga babae sa templo, ngunit hindi sila magkakaanak; sapagkat itinakwil nila si Yahweh at sila'y bumaling sa ibang mga diyos.” “Ang alak, luma man o bago, ay nakakasira ng pang-unawa. Sumasangguni ang aking bayan sa diyus-diyosang kahoy; itinatanong nila sa haliging kahoy kung ano ang dapat gawin. Sinasagot sila sa pamamagitan ng tungkod. Sila'y iniligaw ng masamang pamumuhay, at ipinagpalit nila sa kahalayan ang kanilang Diyos. Nag-aalay sila ng mga handog na susunugin sa mga sagradong bundok, at nagsusunog ng mga handog sa ibabaw ng mga burol, sumasamba sila sa ilalim ng mga ensina, alamo at roble, sapagkat mayabong ang mga ito at malawak ang lilim. Kaya't nakikipagtalik kahit kanino ang iyong mga anak na dalaga, at nangangalunya naman ang mga manugang mong babae. Gayunman, hindi ko paparusahan ang iyong mga anak na dalaga kahit sila'y magpakasama. Gayundin ang iyong mga manugang kahit na sila'y mangalunya; sapagkat ang mga lalaki ay nakikipagtalik din sa mga babae sa templo, at kasama nilang naghahandog sa mga diyus-diyosan. Ganyan winawasak ng mga taong hangal ang kanilang sarili. “Bagaman ikaw ay nangalunya, O Israel, hindi naman kailangang papanagutin din ang Juda. Huwag kang pumasok sa Gilgal, ni umakyat sa Beth-aven; at huwag kang sumumpa ng, ‘Saksi si Yahweh, ang Diyos na buháy.’ Matigas ang ulo ng Israel, tulad ng dumalagang baka. Kaya't pakakainin pa ba sila ni Yahweh tulad ng mga tupang dinadala niya sa maluwang na pastulan? Nakiisa sa mga diyus-diyosan ang Efraim; pabayaan mo na siya. Bagaman ubos na ang kanilang alak, patuloy pa rin sila sa pangangalunya; higit nilang nais ang kahihiyan kaysa karangalan. Tatangayin sila ng malakas na hangin, at mapapahiya sila nang labis dahil sa kanilang handog sa mga diyus-diyosan. “Pakinggan ninyo ito, mga pari! Dinggin ninyo ito, sambahayan ni Israel! Makinig kayo, sambahayan ng hari! Sapagkat kayo ang tinutukoy sa kahatulan. Kayo'y naging bitag sa Mizpa, at lambat na nakalatag sa Bundok Tabor. Kayo'y naghimagsik at nagpakagumon sa kasalanan, kaya't paparusahan ko kayong lahat. Kilala ko si Efraim; walang lihim sa akin ang Israel; sapagkat ikaw ngayon Efraim ay naging babaing masama, at ang Israel naman ay naging marumi.” Dahil sa kanilang mga ginawa, hindi na sila makapanumbalik sa Diyos. Sapagkat nasa kanila ang espiritu ng kasamaan, at hindi nila nakikilala si Yahweh. Ang kapalaluan ng Israel ay sumasaksi laban sa kanya. Matitisod ang Efraim sa kanyang kasalanan; at kasama niyang matitisod ang Juda. Dadalhin nila ang kanilang mga kawan ng tupa at baka upang hanapin si Yahweh, subalit siya'y hindi nila matatagpuan; lumayo na siya sa kanila. Naging taksil sila kay Yahweh; kaya't nagkaanak sila sa labas. Masisira ang kanilang mga pananim at sila'y malilipol pagdating ng bagong buwan. “Hipan ang tambuli sa Gibea! Hipan ang trumpeta sa Rama! Ibigay ang hudyat sa Beth-aven! Nasa likuran mo na sila, Benjamin! Mawawasak ang Efraim sa araw ng pag-uusig. Ang ipinapahayag kong ito'y tiyak na mangyayari. “Nangangamkam ng lupa ang mga pinuno ng Juda; binago nila ang palatandaan ng pagbabahagi sa kanilang lupain. Kaya parang bahang ibubuhos ko sa kanila ang aking poot. Ang Efraim ay inaapi at tadtad sa kahatulan, sapagkat patuloy siyang umaasa sa mga diyus-diyosan. Ako'y parang kalawang sa Efraim, at bukbok sa sambahayan ni Juda. “Nang makita ni Efraim ang maselan niyang karamdaman, at ni Juda ang kanyang mga sugat, si Efraim ay nagpasugo sa hari ng Asiria. Subalit hindi na siya kayang pagalingin, hindi na mabibigyang-lunas ang kanyang mga sugat. Sapagkat parang leon akong sasalakay sa Efraim, parang isang mabangis na batang leon na gugutay sa Juda. Lalapain ko ang Juda saka iiwan, at walang makakapagligtas sa kanila. “Pagkatapos ay babalik ako sa aking tahanan hanggang sa harapin nila ang kanilang pananagutan, at sa kanilang paghihirap ako ay hanapin.” “Halikayo, tayo'y manumbalik kay Yahweh; sapagkat ang nanakit ay siya ring magpapagaling. Siya ang nanugat, kaya't siya rin ang gagamot. Sa loob ng dalawang araw ay mapapalakas niya tayo; sa ikatlong araw, tayo'y kanyang ibabangon, upang tayo'y mabuhay sa kanyang harapan. Halikayo't kilalanin natin si Yahweh, sikapin nating siya'y makilala. Kasintiyak ng pagdating ng bukang-liwayway, darating siyang walang pagsala, tulad ng patak ng ulan sa panahon ng taglamig, tulad ng tubig-ulan na nagpapasibol sa mga halaman.” “Ano ang gagawin ko sa iyo, Efraim? Ano ang gagawin ko sa iyo, Juda? Ang pag-ibig ninyo sa akin ay tulad ng ulap sa umaga, gaya ng hamog na dagling napapawi. Kaya nga, pinarusahan ko kayo sa pamamagitan ng mga propeta, at pinagpapatay sa pamamagitan ng aking mga salita; simbilis ng kidlat ang katuparan ng aking hatol. Sapagkat wagas na pag-ibig ang nais ko at hindi handog, pagkilala sa Diyos sa halip na handog na sinusunog. “Ngunit tulad ni Adan ay sumira kayo sa ating kasunduan, nagtaksil kayo sa aking pag-ibig. Ang Gilead ay lunsod ng mga makasalanan, tigmak sa dugo ang mga lansangan nito. Nagkakaisa ang mga pari, parang mga tulisang nag-aabang sa bibiktimahin. Pumapatay sila sa daang patungo sa Shekem; mabigat na kasalanan ang ginagawa nila. Kahindik-hindik ang nakita ko sa sambahayan ni Israel. Ang Efraim ay nalulong na sa kalaswaan; ang Israel naman ay nahandusay sa putikan. “Nakatakda na rin ang parusa sa iyo, Juda, sa sandaling ibalik ko ang kasaganaan ng aking bayan. Nais ko sanang pagalingin ang Israel, ngunit nakikita ko naman ang kabulukan ng Efraim, at ang masasamang gawa ng Samaria. Sila'y manlilinlang, magnanakaw at tulisan. Hindi nila naiisip na hindi ko nakakalimutan ang lahat ng kanilang masasamang gawain. Sila'y lipos ng kasamaan, at nakikita ko ang lahat ng ito.” “Napapaniwala nila ang hari sa kanilang kasamaan, at maging ang mga pinuno ay kanilang nalinlang. Lahat sila'y mangangalunya; para silang nag-aapoy na pugon na pinababayaan ng panadero, mula sa panahon ng pagmamasa hanggang sa panahon ng pag-alsa. Nang dumating ang araw ng ating hari, nalasing sa alak ang mga pinuno, at pati ang hari'y nakipag-inuman sa mga manlilibak. Nag-aalab na parang pugon ang kanilang mga puso; pawang kasamaan ang kanilang binabalak. Magdamag na nag-aalimpuyo ang kanilang galit, at kinaumagaha'y nagliliyab na parang apoy. Lahat sila'y parang pugon na nag-iinit sa galit, pinatay nila ang kanilang mga pinuno. Bumagsak ang lahat ng mga hari nila; at wala ni isa mang nakaisip na sa aki'y tumawag.” “Nakikisama ang Efraim sa mga sumasamba sa mga diyus-diyosan; ang katulad nila'y tinapay na hindi lubusang luto. Inuubos ng mga dayuhan ang lakas ni Efraim, ngunit hindi niya ito namamalayan. Pumuputi ang kanyang buhok, at hindi niya ito napapansin. Ang kapalaluan ng Israel ang magpapahamak sa kanila. Gayunman, ayaw nilang manumbalik kay Yahweh na kanilang Diyos, ayaw nilang hanapin ang kanilang Diyos. Ang Efraim ay katulad ng isang kalapati, mangmang at walang pang-unawa; tumatawag sa Egipto, at sumasangguni sa Asiria. Sa kanilang pag-alis, lambat ko sa kanila'y ihahagis, huhulihin ko sila na parang mga ibon sa papawirin. Paparusahan ko sila dahil sa masasama nilang gawain. “Mapapahamak sila dahil sa paglayo sa akin! Lilipulin sila sapagkat naghimagsik sila laban sa akin! Tutubusin ko sana sila, ngunit nagsasalita sila ng kasinungalingan laban sa akin. Tumatangis sila sa kanilang mga higaan, ngunit hindi taos puso ang kanilang pagtawag sa akin. Sinasaktan nila ang sarili dahil sa pagkain at sa alak, pagkatapos ay naghihimagsik sila laban sa akin. Bagama't sinanay ko sila at pinalakas, nagbalak pa sila ng masama laban sa akin. Humihingi sila ng tulong kay Baal; ang katulad nila'y taksil na mandirigma. Masasawi sa espada ang mga pinuno nila dahil sa kanilang palalong dila. Ito ang dahilan ng panlilibak sa kanila sa lupain ng Egipto.” Sinabi ni Yahweh, “Hipan mo ang trumpeta! Dumarating ang isang agila sa bayan ng Diyos, sapagkat sumira sa tipan ang aking bayan, at nilabag nila ang aking kautusan. Tumangis ngayon ang Israel sa akin, ‘Tulungan mo kami, sapagkat ikaw ang aming Diyos.’ Ngunit tinalikuran na ng Israel ang kabutihan; kaya't hahabulin sila ng kanilang kaaway. “Pumili sila ng mga hari nang wala akong pahintulot; naglagay sila ng mga pinuno, ngunit hindi naman ayon sa aking kagustuhan. Ginawa nilang diyus-diyosan ang kanilang pilak at ginto na nagdala sa kanila sa kapahamakan. Kinasusuklaman ko ang guyang sinasamba ng mga taga-Samaria. Napopoot ako sa kanila. Hanggang kailan pa sila mananatili sa karumihan? Ang diyus-diyosang iyan ay mula sa Israel! Ang guyang iyan ay ginawa ng tao, at iya'y hindi Diyos. Ang guya ng Samaria ay magkakadurug-durog. “Naghahasik sila ng hangin, at ipu-ipo ang kanilang aanihin. Ang mga nakatayong trigo'y walang uhay, kaya't walang makukuhang harina. At kung magbunga man iyon, kakainin lamang ng mga dayuhan. Nilalamon na ang Israel; naroon na sila sa gitna ng mga bansa bilang kasangkapang walang kabuluhan. Sapagkat naparoon sila sa Asiria, gaya ng asnong naggagalang mag-isa. Ang Efraim nama'y umupa ng mga mangingibig. Bagama't humingi sila ng tulong sa ibang mga bansa, ngayo'y titipunin ko silang lahat. Hindi magtatagal at sila'y daraing dahil sa pahirap ng hari at ng mga pinuno. “Ang mga altar na ginawa sa Efraim, ang siya ring nagparami ng inyong mga sala. Sumulat man ako ng sampung libong kautusan, ito'y pagtatawanan lang nila at tatanggihan. Nag-aalay sila ng handog sa akin; at ang karneng handog, kanila mang kainin, hindi pa rin ito kalugud-lugod sa akin. Gugunitain niya ngayon ang kanilang kalikuan, at paparusahan sila dahil sa kanilang mga kasalanan; sila'y magbabalik sa lupain ng Egipto. Kinalimutan ng Israel ang lumikha sa kanya, at nagtayo siya ng mga palasyo. Ang Juda nama'y nagparami ng mga lunsod na may pader, subalit lalamunin ng apoy ang kanilang mga lunsod at mga palasyo.” Huwag kang magalak, Israel! Huwag kang magdiwang tulad ng ibang mga bansa, sapagkat naging tulad ka ng mahalay na babae. Tinalikuran mo ang iyong Diyos at nakipagtalik sa iba-ibang lalaki. Ikinatuwa mong ika'y isang babaing bayaran, kahit saang lugar ika'y sinisipingan. Ngunit ang ginagawa nila sa giikan at sa pisaan ng alak ay hindi nila ikabubuhay, at ang bagong alak ay hindi nila matitikman. Hindi sila mananatili sa lupain ni Yahweh; subalit ang Efraim ay magbabalik sa Egipto, at kakain sila sa Asiria ng mga pagkaing nagpaparumi at ipinagbabawal. Hindi na sila papayagang maghandog ng alak kay Yahweh, at hindi naman siya malulugod sa kanilang mga handog. Ang pagkain nila'y matutulad sa pagkain ng namatayan; magiging marumi ang lahat ng kakain nito. Sapagkat ang pagkain nila'y para lamang sa kanilang katawan; hindi iyon maihahandog sa Templo ni Yahweh. Ano ang gagawin mo sa araw ng itinakdang kapistahan, at sa araw ng kapistahan ng pagdiriwang para kay Yahweh? Makatakas man sila sa pagkawasak, titipunin rin sila ng Egipto, at ililibing sa Memfis. Matatakpan ng damo ang kanilang mga kagamitang pilak; at tutubuan ng dawag ang mga tahanan nilang wasak. Dumating na ang mga araw ng pagpaparusa, sumapit na ang araw ng paghihiganti; ito'y malalaman ng Israel. Ang sabi ninyo, “Mangmang ang isang propeta, at ang lingkod ng Diyos ay baliw!” Totoo iyan sapagkat labis na ang inyong kasamaan, at matindi ang inyong poot. Ang propeta'y siyang bantay sa Efraim, ang bayan ng aking Diyos, ngunit may bitag na laging sa kanya'y nakaumang, at kinapopootan siya maging sa templo ng kanyang Diyos. Nagpakasamang lubha ang aking bayan gaya ng nangyari sa Gibea. Gugunitain ng Diyos ang kanilang kalikuan, at paparusahan ang kanilang mga kasalanan. “Ang Israel ay tulad ng mga ubas sa ilang, gayon sila noong una kong matagpuan. Parang unang bunga ng puno ng igos, nang makita ko ang iyong mga magulang. Ngunit nang magpunta sila sa Baal-peor, sila'y naglingkod sa diyus-diyosang si Baal, at naging kasuklam-suklam gaya ng diyus-diyosang kanilang inibig. Ang kaningningan ng Efraim ay maglalaho, para itong ibong lumipad na palayo. Wala nang isisilang, walang magdadalang-tao, at wala na ring maglilihi. At kahit pa sila magkaroon ng mga anak, kukunin ko ang mga ito hanggang sa walang matira. Kahabag-habag sila kapag ako'y lumayo na sa kanila! Gaya ng aking nakita, ang mga anak ni Efraim ay nakatakdang mapahamak. Mapipilitan ang kanilang ama na dalhin sila sa patayan.” O Yahweh, bigyan mo po sila ng mga sinapupunang baog at ng mga susong walang gatas. “Lahat ng kanilang kasamaan ay nagpasimula sa Gilgal; doon pa ma'y kinapootan ko na sila. Dahil sa kasamaan ng kanilang gawain sila'y palalayasin ko sa aking tahanan. Hindi ko na sila mamahalin pa; mapaghimagsik ang lahat ng kanilang mga pinuno. Mapapahamak ang Efraim, tuyo na ang kanyang mga ugat; hindi na sila mamumunga. At kung magbunga ma'y papatayin ko ang pinakamamahal nilang mga supling.” Itatakwil sila ng aking Diyos sapagkat hindi sila nakinig sa kanya; sila'y magiging palaboy sa maraming mga bansa. Ang Israel ay tulad ng punong ubas na mayabong at hitik sa bunga ang mga sanga. Habang dumarami ang kanyang bunga, dumarami rin naman ang itinatayo niyang altar. Habang umuunlad ang kanyang lupain, lalo niyang pinapaganda ang mga haliging sinasamba. Marumi ang kanilang puso at ngayo'y dapat silang magdusa. Wawasakin ni Yahweh ang kanilang mga altar, at sisirain ang mga haliging sinasamba. Ngayon nama'y sasabihin nila, “Wala kaming hari, sapagkat hindi kami sumasamba kay Yahweh. Ngunit ano nga ba naman ang magagawa ng isang hari para sa amin?” Puro siya salita ngunit walang gawa; puro pangako ngunit laging napapako; ang katarungan ay pinalitan ng kawalang-katarungan, at ito'y naging damong lason na sumisibol sa buong lupain. Matatakot at mananaghoy ang mga taga-Samaria dahil sa pagkawala ng mga guya sa Beth-aven. Ipagluluksa ito ng sambayanan; mananangis pati mga paring sumasamba sa diyus-diyosan, dahil sa naglaho nitong kaningningan. Ang diyus-diyosang ito'y dadalhin sa Asiria bilang kaloob sa dakilang hari. Mapapahiya ang Efraim, at ikakahiya ng Israel ang mga itinuring nilang diyos. Ang hari ng Samaria ay mapapahamak tulad ng sanga na tinatangay ng tubig. Wawasakin ang mga altar sa burol ng Aven, na naging dahilan ng pagkakasala ng Israel. Tutubo ang mga tinik at dawag sa mga altar, at sasabihin nila sa kabundukan, “Itago ninyo kami,” at sa kaburulan, “Tabunan ninyo kami.” Sinabi ni Yahweh, “Ang Israel ay patuloy sa pagkakasala; mula pa noong sila'y nasa Gibea. Dahil dito'y aabutan siya ng digmaan sa Gibea. Sasalakayin ko ang bayan, at magsasanib ang mga bansa laban sa inyo. Kayo'y pinarusahan ko dahil sa patung-patong na kasalanan. “Ang Efraim ay parang dumalagang baka na sanay at mahilig sa gawang paggiik, ngunit ngayo'y isisingkaw ko na siya; ang Juda ang dapat humila ng araro; at ang Israel naman ang hihila ng suyod. Maghasik kayo ng katuwiran, at mag-aani kayo ng tapat na pag-ibig. Bungkalin ninyong muli ang napabayaang lupa, sapagkat panahon na upang hanapin natin si Yahweh. Lalapit siya sa inyo at pauulanan kayo ng pagpapala. Ngunit naghasik kayo ng kalikuan, at kawalang-katarungan ang inyong inani, kumain din kayo ng bunga ng kasinungalingan. “Dahil sa pagtitiwala ninyo sa inyong mga kapangyarihan, at sa lakas ng marami ninyong mandirigma, masasangkot sa digmaan ang inyong bayan, at mawawasak lahat ng inyong mga kuta, gaya ng ginawa ni Salman sa Beth-arbel nang salakayin niya ito at patayin ang mga ina at mga bata. Ganito ang gagawin sa sambahayan ng Israel, sapagkat malaki ang inyong kasalanan. Sa pagsapit ng bukang-liwayway, ang hari ng Israel ay ganap na mamamatay.” “Nang bata pa ang Israel, siya'y aking minahal, at tinawag ko ang aking anak mula sa Egipto. Ngunit habang siya'y tinatawag ko, lalo naman siyang lumalayo. Lagi na lamang siyang naghahandog sa mga Baal, at nagsusunog ng insenso sa mga diyus-diyosan. Ako ang nagturo kay Efraim na lumakad, inakay ko siya sa kanyang paghakbang; ngunit hindi niya kinilala ang pag-aalaga ko sa kanya. Pinatnubayan ko siya nang buong pagmamalasakit at nang buong pagmamahal. Ang katulad ko'y isang nag-aalis ng busal sa kanilang bibig, at yumuko ako upang sila'y mapakain. “Magbabalik sila sa Egipto, at paghaharian ng Asiria, sapagkat ayaw nilang magbalik sa akin. Lulusubin ng kaaway ang kanilang mga lunsod, wawasakin ang pampinid sa kanilang mga pinto, at lilipulin sila sa loob ng kanilang mga kuta. Ang bayan ko'y nagpasya nang tumalikod sa akin; kaya't sa pamatok sila'y itinakda, at walang sinumang makakapag-alis nito. “Pababayaan ba kita, Efraim? Ikaw ba'y ibibigay ko sa kaaway, Israel? Maitutulad ba kita sa Adma? Magagawa ko ba sa iyo ang aking ginawa sa Zeboim? Hindi ito kayang gawin ng puso ko; kahabagan ko'y nananaig. Hindi ko ipadarama ang bigat ng aking poot; Hindi ko na muling sisirain ang Efraim. Sapagkat ako'y Diyos at hindi tao, ang Banal na Diyos na nasa kalagitnaan ninyo, at hindi ako naparito upang kayo'y wasakin. “Susundin nila si Yahweh; siya'y uungal na parang leon, at mula sa kanlura'y nanginginig na darating ang kanyang mga anak na lalaki. Nagmamadali silang darating na parang mga ibong mula sa Egipto, at mga kalapating mula sa Asiria. Sa kanilang tahana'y ibabalik ko sila,” sabi ni Yahweh. Sinabi ni Yahweh, “Nililinlang ako nitong si Efraim, at dinadaya ako nitong si Israel. Ang Juda nama'y naghahanap pa rin ng ibang diyos, at kinakalaban ang Banal at Matapat. Ang Efraim ay umaasa sa wala, at maghapong naghahabol sa hangin. Puro kasinungalingan at karahasan ang ginagawa; nakikipag-isa sa Asiria, at nakikipagkalakal sa Egipto.” May paratang si Yahweh laban sa Juda. Paparusahan niya si Jacob ayon sa masama nitong pamumuhay, at gagantihan ayon sa kanyang mga gawa. Nang sila'y nasa sinapupunan pa, dinaya na ni Jacob ang kanyang kakambal, at nakipagbuno sa Diyos nang siya'y malaki na. Nakipagbuno siya sa anghel at nagwagi, umiyak siya at nakiusap na nawa'y pagpalain. Nakatagpo niya ang Diyos doon sa Bethel, at ito'y nakipag-usap sa kanya. Si Yahweh ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat, Yahweh ang kanyang pangalan. Kaya't manumbalik kayo sa Diyos, at mamuhay kayong may pag-ibig at katarungan, patuloy kayong umasa sa kanya. Sinabi ni Yahweh, “Gustung-gusto nilang gamitin ang timbangang may daya. Nais nilang apihin ang kanilang kapwa. Sinasabi nila, ‘Ako'y talagang mayaman, nakamtan ko ang kayamanang ito para sa aking sarili.’ Ngunit lahat man ng kanyang kayamanan ay hindi sapat, pambayad sa nagawa niyang kasalanan. Ako si Yahweh, ang Diyos na naglabas sa inyo sa Egipto; muli ko kayong papatirahin sa mga tolda, gaya nang panahon ng mga itinakdang kapistahan. “Nagsalita ako sa pamamagitan ng mga propeta; at sa kanila'y nagbigay ng maraming pangitain. Maraming talinhaga rin ang sa kanila'y aking itinagubilin. Laganap sa Gilead ang pagsamba sa diyus-diyosan, at lahat ng sumasamba rito'y nakalaang mamatay. Naghahandog sa mga diyus-diyosang toro ang mga taga-Gilgal, at ang mga altar nila'y mawawasak magiging mga bunton ng bato sa gitna ng kabukiran.” Tumakas si Jacob papuntang Aram, at doo'y nakatagpo ng mapapangasawa. Nagpastol siya roon ng mga tupa upang makamtan ang kamay ng isang dalaga. Inilabas ni Yahweh ang Israel sa Egipto sa pamamagitan ng isang propeta. At sa pamamagitan din ng propetang ito ay pinangalagaan niya ang Israel. Matindi na ang galit ni Yahweh kay Efraim, dahil sa kasamaang ginagawa nito. Kaya't siya'y paparusahan ni Yahweh, at pagbabayarin sa kanyang mga kasalanan. Noong una, kapag nagsalita si Efraim, ang mga tao ay nanginginig sa takot, sapagkat siya ay pinaparangalan sa Israel. Ngunit nagkasala siya at nahatulang mamatay dahil sa pagsamba kay Baal. Hanggang ngayo'y patuloy sila sa paggawa ng kasalanan. Tinutunaw ang mga pilak at ginagawang diyus-diyosan. Pagkatapos ay sinasabi, “Maghandog kayo rito! At halikan ninyo ang mga guyang ito.” Kaya nga, matutulad sila sa mga ulap sa umaga o sa hamog na madaling naglalaho; gaya ng ipa na inililipad ng hangin, gaya ng usok na tinatangay sa malayo. Sinabi ni Yahweh, “Ako si Yahweh na inyong Diyos. Ako ang nagpalaya sa inyo sa Egipto. Noon, wala kayong ibang Diyos kundi ako, at walang ibang tagapagligtas maliban sa akin. Kinalinga ko kayo sa ilang, sa lupaing tuyo at tigang. Ngunit nang kayo'y mabusog ay naging palalo; at kinalimutan na ninyo ako. Kaya naman, kayo'y lalapain kong gaya ng leon, gaya ng isang leopardong nag-aabang sa tabing daan. Susunggaban ko kayo, gaya ng osong inagawan ng anak, lalapain ko kayo gaya ng isang leon, gaya ng paglapa ng isang hayop na mabangis. Wawasakin kita, Israel; sino ang sasaklolo sa iyo? Nasaan ngayon ang iyong hari na magliligtas sa iyo? Nasaan ang hari at ang mga pinunong sa akin ay hiningi mo? Sa galit ko sa inyo'y binigyan ko kayo ng mga hari, at dahil din sa aking poot, sila'y inaalis ko. “Inilista ko ang ginagawang kalikuan ni Efraim, tinatandaan kong mabuti para sa araw ng paniningil. Ang Israel ay binigyan ko ng pagkakataong magbagong-buhay, ngunit ito'y kanyang tinanggihan. Para siyang sanggol na ayaw lumabas sa sinapupunan. Siya'y anak na suwail at mangmang! Hindi ko sila paliligtasin sa daigdig ng mga patay. Hindi ko sila paliligtasin sa kamatayan. Kamatayan, pahirapan mo sila. Libingan, parusahan mo sila. Wala na akong nalalabing awa sa kanila. Bagaman siya'y lumagong gaya ng tambo, may darating na hangin mula kay Yahweh, ang hanging silangang nagbubuhat sa ilang, tutuyuin ang kanyang mga batis at aagawin ang kanyang yaman. Mananagot ang Samaria, sapagkat siya'y naghimagsik laban sa Diyos. Mamamatay sa tabak ang mga mamamayan niya. Ipaghahampasan sa lupa ang kanyang mga sanggol, at lalaslasin ang tiyan ng mga nagdadalang-tao.” Manumbalik ka Israel kay Yahweh na iyong Diyos. Ang pagbagsak mo ay bunga ng iyong kasamaan. Dalhin ninyo ang inyong kahilingan, lumapit kayo kay Yahweh; sabihin ninyo sa kanya, “Patawarin po ninyo kami. Kami'y iyong kahabagan, kami'y iyong tanggapin. Maghahandog kami sa iyo ng pagpupuri. Hindi kami kayang iligtas ng hukbo ng Asiria, hindi kami sasakay sa mga kabayo nila. Hindi na namin tatawaging diyos ang mga ginawa ng aming kamay. Sa iyo lamang nakakasumpong ng awa ang mga ulila.” Sabi ni Yahweh, “Pagagalingin ko na sila sa kanilang kataksilan, mamahalin ko na sila nang walang katapusan, sapagkat napawi na ang galit ko sa kanila. Ako'y matutulad sa hamog na magpapasariwa sa Israel. Mamumulaklak siyang gaya ng liryo, at mag-uugat din siyang tulad ng sedar. Kanyang mga sanga ay darami, gaganda siyang tulad ng puno ng olibo, at hahalimuyak gaya ng kagubatan ng Lebanon. Magbabalik sila at maninirahan sa ilalim ng aking kanlungan. Sila'y yayabong na gaya ng isang halamanan, mamumulaklak na parang puno ng ubas, at ang bango'y tulad ng alak mula sa Lebanon. Efraim, lumayo ka na sa mga diyus-diyosan! Ako lamang ang tumutugon at nagbabantay sa iyo. Ako'y katulad ng sipres na laging luntian, at mula sa akin ang iyong mga bunga.” Unawain ng matalino ang mga bagay na ito, at dapat mabatid ng mga marunong. Matuwid ang mga kaparaanan ni Yahweh, at ang mabubuti'y doon lumalakad, ngunit nadarapa ang mga masuwayin. Ang aklat na ito ay naglalaman ng mensahe ni Yahweh sa pamamagitan ni Joel na anak ni Petuel. Makinig kayo, matatandang pinuno, pakinggan ninyo ito, lahat ng nasa Juda. May nangyari na bang ganito sa inyong panahon, o sa panahon ng inyong mga ninuno? Isalaysay ninyo ito sa inyong mga anak, upang maisalaysay naman nila ito sa magiging mga anak nila, at sila ang magsasabi nito sa kasunod nilang salinlahi. Pinagsawaan ng laksa-laksang balang ang mga pananim; kinain ng sumunod ang natira ng una. Gumising kayo at tumangis, mga maglalasing! Umiyak kayo, mga manginginom! Sapagkat wala nang ubas na magagawang alak. Sinalakay ng makapal na balang ang ating lupain. Sila'y mapangwasak at di mabilang; parang ngipin ng leon ang kanilang mga ngipin. Sinira nila ang ating mga ubasan at sinalanta ang mga puno ng igos. Sinaid nila ang balat ng mga puno, kaya't namuti pati mga sanga. Tumangis ka, bayan, gaya ng isang dalagang nagluluksa dahil sa pagkamatay ng binatang mapapangasawa niya. Walang butil o alak na maihahandog sa Templo ni Yahweh; kaya't nagdadalamhati pati mga pari dahil wala silang maihandog kay Yahweh. Walang maani sa mga bukirin, nagdadalamhati ang lupa; sapagkat nasalanta ang mga trigo, natuyo ang mga ubas, at nalanta ang mga punong olibo. Malungkot kayo, mga magsasaka! Umiyak kayong nag-aalaga ng mga ubasan, trigo at sebada, sapagkat lahat ng pananim ay pawang nasalanta. Natuyo ang mga ubasan, nalanta ang mga puno ng igos; ang mga punong granada, palma at mansanas—lahat ng punongkahoy ay natuyo; at nawala ang kagalakan ng mga tao. Magluksa kayo at tumangis, mga paring naghahandog sa altar. Pumasok kayo sa Templo at magdamag na magluksa. Walang trigo o alak na naihahandog sa inyong Diyos. Iutos ninyo na mag-ayuno ang lahat. Tipunin ninyo ang mga tao. Tipunin ninyo ang matatandang pinuno at ang lahat ng taga-Juda, sa Templo ni Yahweh na inyong Diyos at dumaing sa kanya. Malapit na ang araw ni Yahweh, ang araw ng pangwawasak ng Makapangyarihang Diyos. Di ba't kitang-kita natin ang pagkasira ng mga pananim, at ang pagkapawi ng kagalakan at kasiyahan sa templo ng ating Diyos? Hindi sumisibol ang mga binhi sa tigang na lupa. Walang laman ang mga kamalig, at wasak ang mga imbakan, sapagkat ang mga trigo ay hindi sumibol. Umungal ang mga baka sapagkat walang mapagpastulan sa kanila. Gayundin naman, ang mga kawan ng tupa ay wala na ring makain. O Yahweh, dumaraing ako sa iyo, sapagkat natuyo ang mga pastulan, at ang mga punongkahoy ay parang sinunog ng apoy. Maging ang mga hayop sa gubat ay dumaraing sa iyo sapagkat natuyo rin ang mga batis, at ang pastulan ay parang tinupok ng apoy. Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion at ibigay ang hudyat sa banal na bundok ng Diyos. Manginig kayong mga taga-Juda, sapagkat malapit nang dumating ang araw ni Yahweh. Ito'y makulimlim at malungkot na araw, madilim ang buong kapaligiran; at lilitaw ang napakakapal na balang tulad ng paglaganap ng dilim sa kabundukan. Hindi pa nangyayari ang ganito nang mga nakaraang panahon, at hindi na mangyayari pang muli maging sa darating na panahon. Nilalamon nilang tulad ng apoy ang mga halaman. Parang halamanan ng Eden ang lupain bago sila dumating, ngunit naging malungkot na ilang nang kanilang iwan; wala silang itinira. Parang mga kabayo ang kanilang anyo, waring mga kabayong pandigma kung sila'y tumakbo. Kapag dumaraan sila sa ibabaw ng mga bundok, ang ingay nila ay parang rumaragasang karwahe, parang tuyong damo na sinusunog. Nakahanay sila, tulad ng isang hukbo na handang makipagdigma. Habang sila'y papalapit, nasisindak ang lahat; namumutla sa takot ang bawat isa. Sumasalakay sila, gaya ng mga mandirigma; inaakyat nila ang mga pader gaya ng mga kawal. Walang lingun-lingon silang sumusugod. Walang lumilihis sa landas na tinatahak. Lumulusot sila sa mga tanggulan at walang makakapigil sa kanila. Sinasalakay nila ang lunsod, inaakyat ang mga pader; pinapasok ang mga bahay, lumulusot sila sa mga bintana, gaya ng mga magnanakaw. Sa pagdaan nila'y nayayanig ang lupa; at umuuga ang langit. Nagdidilim ang araw at ang buwan, at pati mga bitui'y ayaw nang magliwanag. Parang kulog ang tinig ni Yahweh, kung mag-utos sa kanyang hukbo. Ang mga pangkat na tumatalima sa kanya ay marami at malalakas. Nakakapangilabot ang araw ni Yahweh! Sino ang makakatagal dito? “Gayunman,” sabi ni Yahweh, “mataimtim kayong magsisi at manumbalik sa akin; mag-ayuno kayo, manangis at magdalamhati. Magsisi kayo nang taos sa puso, at hindi pakitang-tao lamang.” Magbalik-loob kayo kay Yahweh na inyong Diyos! Siya'y mahabagin at mapagmahal, hindi madaling magalit at wagas ang pag-ibig; laging handang magpatawad at hindi nagpaparusa sa nagsisisi. Maaaring lingapin kayong muli ni Yahweh na inyong Diyos at bigyan kayo ng masaganang ani. Kung magkagayon, mahahandugan ninyo siya ng handog na pagkaing butil at alak. Hipan ninyo ang trumpeta sa ibabaw ng Bundok ng Zion! Tipunin ninyo ang mga tao at ipag-utos ninyo na mag-ayuno ang lahat! Tawagin ninyo ang mga tao para sa isang banal na pagtitipon. Tipunin ninyo ang lahat, matatanda at bata, pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal. Mga pari, tumayo kayo sa pagitan ng altar at ng pasukan ng Templo, manangis kayo't manalangin nang ganito: “Mahabag ka sa iyong bayan, O Yahweh! Huwag mong hayaang kami'y hamakin at pagtawanan ng ibang mga bansa at tanungin, ‘Nasaan ang inyong Diyos?’” Pagkatapos, ipinakita niya ang malasakit niya sa lupain, at naawa siya sa kanyang bayan. Ganito ang kanyang tugon: “Bibigyan ko kayo ngayon ng butil, alak at langis, upang kayo'y mabusog. Hindi na kayo hahamakin ng ibang bansa. Paaalisin ko na ang mga hukbong waring buhat sa hilaga; itataboy ko ang iba sa disyerto. At ang mga pangunahing hanay nila ay itataboy ko naman sa dagat sa silangan; sa dagat sa hilaga naman ang nasa hulihan. Aalingasaw ang baho ng kanilang mga bangkay. Lilipulin ko sila dahil sa lahat ng ginawa nila sa inyo.” “Lupain, huwag kayong matakot; kayo ay magsaya't lubos na magalak dahil sa lahat ng ginawa ni Yahweh para sa inyo.” Mga hayop, huwag kayong matakot, luntian na ang mga pastulan. Namumunga na ang mga punongkahoy, hitik na sa bunga ang igos at ang ubas. “Magalak kayo, mga taga-Zion! Matuwa kayo dahil sa ginawa ni Yahweh na inyong Diyos. Pinaulan niya nang sapat sa taglagas, at gayundin sa taglamig; tulad ng dati, uulan din sa tagsibol. Mapupuno ng ani ang mga giikan; aapaw ang alak at langis sa mga pisaan. Ibabalik ko ang lahat ng nawala sa inyo nang pinsalain ng katakut-takot na balang ang inyong mga pananim. Ako ang nagpadala ng hukbong ito laban sa inyo. Magkakaroon kayo ngayon ng saganang pagkain at kayo'y mabubusog. Pupurihin ninyo si Yahweh na inyong Diyos, na gumawa ng mga kahanga-hangang bagay para sa inyo. Hindi na muli pang kukutyain ang aking bayan. Kaya nga malalaman ninyo na ako'y sumasainyo at akong si Yahweh lamang ang inyong Diyos. Hindi na muling hahamakin ang aking bayan. “Pagkatapos nito, ipagkakaloob ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao: ipahahayag ng inyong mga anak na lalaki't babae ang aking mga mensahe. Magkakaroon ng mga panaginip ang inyong matatandang lalaki, at makakakita ng mga pangitain ang inyong mga kabataang lalaki. Sa panahong iyon, ibubuhos ko rin ang aking Espiritu maging sa mga alipin, lalaki man o babae. “Magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit at sa lupa; dugo, apoy at makapal na usok. Ang araw ay magdidilim, at ang buwan ay pupulang parang dugo bago dumating ang dakila at nakakatakot na araw ni Yahweh. At sa panahong iyon, ang lahat ng hihingi ng tulong kay Yahweh ay maliligtas. Gaya ng kanyang sinabi, may ilang makakatakas sa Bundok ng Zion at ang aking mga pinili'y makakaligtas sa Jerusalem.” Sinabi ni Yahweh, “Pagsapit ng araw na iyon, pasasaganain kong muli ang Juda at ang Jerusalem. Titipunin ko ang lahat ng bansa at dadalhin sa Libis ng Jehoshafat. Doon ko sila hahatulan ayon sa ginawa nila sa aking bayan. Pinangalat nila sa iba't ibang bansa ang mga Israelita at pinaghati-hatian ang aking lupain. Nagpalabunutan sila upang magpasya kung kanino mapupunta ang mga bihag. Ipinagbili nila ang mga bata bilang mga alipin upang ang pinagbilhan ay ibili naman ng alak at ibayad sa mga babaing parausan. “Ano ang ginagawa ninyo sa akin, kayong mga taga-Tiro, Sidon at Filistia? Sinusuhulan ba ninyo ako bilang kapalit ng isang bagay? Kung gayon, mabilis ko kayong gagantihan! Kinuha ninyo ang aking pilak, ginto at mga kayamanan at dinala ang mga ito sa inyong mga templo. Binihag ninyo at inilayo sa kanilang bayan ang mga mamamayan ng Juda at Jerusalem at ipinagbili sa mga Griego. Pauuwiin ko na sila mula sa mga dakong pinagtapunan ninyo sa kanila. Ipararanas ko naman sa inyo ang ginawa ninyo sa kanila. Ipagbibili ko ang inyong mga anak sa mga taga-Juda upang ipagbili naman nila sa mga Sabeo.” Iyan ang sinabi ni Yahweh. “Ipahayag mo ito sa mga bansa: Humanda kayo sa isang digmaan. Tawagin ninyo ang inyong mga mandirigma, tipunin ninyong lahat ang inyong mga kawal at sumalakay kayo! Gawin ninyong tabak ang inyong mga araro at gawing sibat ang mga panggapas. Pati ang mahihina ay kailangang makipaglaban. Pumarito kayo agad, lahat ng bansa sa paligid, at magtipon kayo sa libis.” O Yahweh, ipadala mo ang iyong mga hukbo. “Kailangang humanda ang mga bansa at magtungo sa Libis ng Jehoshafat. Akong si Yahweh ay uupo roon upang hatulan ang lahat ng bansa sa paligid. Ubod sila ng sama; gapasin ninyo silang parang uhay sa panahon ng anihan. Durugin ninyo silang parang ubas sa pisaan hanggang sa umagos ang katas.” Libu-libo ang nasa Libis ng Jehoshafat, hindi magtatagal at darating doon ang araw ni Yahweh. Hindi na magliliwanag ang araw at ang buwan, at hindi na rin kikislap ang mga bituin. Dumadagundong mula sa Bundok ng Zion ang tinig ni Yahweh, mula sa Jerusalem ang kanyang tinig ay naririnig; nanginginig ang langit at lupa. Subalit ipagtatanggol niya ang kanyang bayan. “Sa gayon, malalaman mo, O Israel, na ako si Yahweh ay iyong Diyos! Ang aking tahanan ay ang Zion, ang banal na bundok. Magiging banal na lunsod ang Jerusalem; hindi na ito muling masasakop ng mga dayuhan. Sa panahong iyon, mapupuno ng ubasan ang mga kabundukan; bakahan ang makikita sa bawat burol, at sasagana sa tubig ang buong Juda! Dadaloy mula sa Templo ni Yahweh ang isang batis, na didilig sa Libis ng Sitim. “Magiging disyerto ang Egipto, at magiging tigang ang lupain ng Edom, sapagkat sinalakay nila ang lupain ng Juda at pinatay ang mga mamamayang walang kasalanan. Ang aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Amos, isang pastol na taga-Tekoa. Ang mga bagay na tungkol sa Israel ay ipinahayag sa kanya ng Diyos dalawang taon bago lumindol. Si Uzias noon ang hari ng Juda, at si Jeroboam namang anak ni Joas ang hari ng Israel. Sinabi ni Amos, “Dumadagundong mula sa Bundok ng Zion ang tinig ni Yahweh, mula sa Jerusalem ang kanyang tinig ay naririnig. Natutuyo ang mga pastulan, nalalanta pati ang mga damo sa Bundok Carmel.” Ganito ang sabi ni Yahweh: “Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Damasco, kaya sila'y paparusahan ko. Pinagmalupitan nila ang Gilead, dinurog nila ito sa giikang bakal. Susunugin ko ang palasyo ni Hazael, at tutupukin ko ang mga tanggulan ni Ben-Hadad. Wawasakin ko ang pintuan ng Lunsod ng Damasco; pupuksain ko ang mga taga libis ng Aven, pati ang may hawak ng setro sa Beth-eden; ang mga taga-Siria naman ay dadalhing-bihag sa Kir.” Ganito ang sabi ni Yahweh: “Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Gaza, kaya sila'y paparusahan ko. Binihag nila ang isang bansa at ipinagbili sa mga taga-Edom. Susunugin ko ang mga pader ng Gaza; tutupukin ko ang mga tanggulan doon. Aalisin ko ang mga pinuno ng Asdod, at ang may hawak ng setro sa Ashkelon. Hahanapin ko ang Ekron, at lilipulin ko ang mga Filisteo roon.” Ganito ang sabi ni Yahweh: “Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Tiro, kaya sila'y paparusahan ko. Ipinagbili nila sa Edom ang libu-libo nilang bihag; sinisira nila ang kasunduan ng pagkakapatiran. Susunugin ko ang mga pader ng Tiro; tutupukin ko ang mga palasyo roon.” Ganito ang sabi ni Yahweh: “Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Edom, kaya sila'y paparusahan ko. Hinabol nila ng tagâ ang mga kapatid nilang Israelita at hindi sila naawa kahit bahagya. Hindi naglubag ang kanilang poot kailanman. Susunugin ko ang Teman, tutupukin ko naman ang mga tanggulan sa Bozra.” Ganito ang sabi ni Yahweh: “Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Ammon, kaya sila'y paparusahan ko. Sa labis nilang kasakiman sa lupain, nilaslas nila ang tiyan ng mga buntis sa Gilead. Susunugin ko ang mga pader sa Rabba; tutupukin ko ang mga tanggulan doon. Magsisigawan sila sa panahon ng labanan; mag-aalimpuyo ang labanan tulad ng isang bagyo. Mabibihag ang kanilang hari, gayundin ang kanyang mga tauhan.” Ganito ang sabi ni Yahweh: “Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Moab, kaya sila'y paparusahan ko. Sinunog nila at pinulbos ang mga buto ng hari ng Edom. Susunugin ko ang lupain ng Moab; tutupukin ko ang mga tanggulan sa Keriot. Masasawi ang mga taga-Moab sa gitna ng ingay ng labanan, sa sigawan ng mga kawal at tunog ng mga trumpeta. Papatayin ko ang hari ng Moab, gayundin ang mga pinuno sa lupaing iyon.” Ganito ang sabi ni Yahweh: “Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Juda, kaya sila'y paparusahan ko. Hinamak nila ang aking mga katuruan; nilabag nila ang aking mga kautusan. Iniligaw sila ng mga diyus-diyosang pinaglingkuran ng kanilang mga ninuno. Susunugin ko ang Juda; tutupukin ko ang mga tanggulan ng Jerusalem.” Ganito ang sabi ni Yahweh: “Paulit-ulit na nagkasala ang mga taga-Israel, kaya sila'y paparusahan ko. Dahil sa suhol, pinarusahan nila ang mga matutuwid, at ibinentang alipin sa halagang isang pares ng sandalyas ang mga taong hindi makabayad ng utang. Niyuyurakan nila ang mga aba; ipinagtutulakan nila ang mahihirap. Nakikipagtalik ang mag-ama sa iisang babaing alipin, kaya't nalalapastangan ang aking banal na pangalan. Ginagamit nilang higaan sa tabi ng alinmang altar ang balabal na sangla ng isang may utang. Sa templo ng kanilang Diyos, sila'y nag-iinuman ng alak na binili sa salaping ninakaw sa mga dukha. Nagawa pa nila ito sa akin matapos kong lipulin ang mga Amoreo, na kasintangkad ng mga punong sedar at kasintigas ng punong ensina. Pinuksa kong lahat ang mga ito alang-alang sa kanila. Inilabas ko kayo mula sa Egipto, pinatnubayan sa ilang sa loob ng apatnapung taon, at ibinigay sa inyo ang lupain ng mga Amoreo. Itinalaga kong propeta ang ilan sa inyong mga anak; ginawa kong Nazareo ang iba ninyong kabataan. Mga taga-Israel, hindi ba totoo ang aking sinasabi? Ngunit pinainom ninyo ng alak ang mga Nazareo, at pinagbawalang mangaral ang mga propeta. Kaya ngayo'y pababagsakin ko kayo sa lupa, gaya ng kariton na di makausad sa bigat ng dala. Maging ang matutuling tumakbo ay di makakatakas. Manghihina pati na ang malalakas, maging ang magigiting ay di rin makakaligtas; walang tatamaan ang mga manunudla; di makakaligtas ang matutuling tumakbo, di rin makakatakas ang mga nakakabayo. Sa araw na iyon ay magsisitakas maging ang pinakamatatapang.” Pakinggan ninyo, mga taga-Israel, itong sinabi ni Yahweh laban sa inyo na inilabas niya mula sa Egipto: “Sa lahat ng bansa sa ibabaw ng lupa, kayo lamang ang aking itinangi at inalagaan. Kaya't kayo'y aking paparusahan dahil sa inyong mga kasalanan.” Maaari bang magsama sa paglalakbay ang dalawang taong hindi nagkakasundo? Umuungal ba ang leon sa kagubatan kung wala siyang mabibiktima? Umaatungal ba ang batang leon sa loob ng yungib, kung wala siyang nahuling anuman? Mabibitag ba ang isang ibon kung hindi pinainan? Iigkas ba ang bitag kung ito'y walang huli? Kapag ang mga trumpeta'y humudyat sa lunsod, hindi ba't manginginig sa takot ang mga tao? Kapag may sakunang dumating sa lunsod, hindi ba si Yahweh ang may gawa niyon? Tunay na ang Panginoong Yahweh ay di kumikilos, kung hindi pa ipinababatid sa mga lingkod niyang propeta. Kapag umungal ang leon, sino ang hindi matatakot? Kapag nagsalita ang Panginoong Yahweh, sinong hindi magpapahayag? Ipahayag mo sa mga nakatira sa mga tanggulan ng Asdod, at sa mga tanggulan ng Egipto, “Magtipon kayo sa mga bundok ng Samaria, tingnan ninyo ang malaking kaguluhan doon, maging ang nagaganap na pang-aapi sa lunsod.” “Hindi na nila alam ang paggawa ng mabuti,” sabi ni Yahweh. “Ang mga bahay nila'y punung-puno ng mga bagay na kinamkam sa pamamagitan ng karahasan at pagpatay. Kaya't lulusubin sila ng isang kaaway, wawasakin ang kanilang mga tanggulan, hahalughugin ang kanilang mga tahanan.” Sabi pa ni Yahweh, “Kung paanong walang maililigtas ang isang pastol sa tupang sinila ng isang leon, liban sa dalawang paa't isang tainga. Iilan din ang ililigtas ng Diyos sa mga Israelitang nakatira ngayon sa Samaria at nakahiga sa magagarang higaan. “Pakinggan ninyong mabuti ito at babalaan ang mga anak ni Jacob,” sabi ng Panginoong Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat. “Sa araw na parusahan ko ang mga taga-Israel dahil sa kanilang mga kasalanan, wawasakin ko ang mga altar sa Bethel, at malalaglag sa lupa ang mga iyon. Wawasakin ko ang mga bahay na pantaglamig at pantag-araw. Guguho ang mga bahay na yari sa garing; ang malalaking bahay ay wawasaking lahat.” Pakinggan ninyo ito, mga babae sa Samaria na naglalakihang gaya ng mga baka ng Bashan, na nang-aapi sa mahihina, nangingikil sa mahihirap, at nag-uutos sa inyong mga asawa upang dalhan kayo ng inumin. Ang Panginoong Yahweh ay banal, at kanyang ipinangako: “Darating ang araw na kayo'y huhulihin ng pamingwit. Bawat isa sa inyo'y matutulad sa isdang nabingwit. Ilalabas kayo sa siwang ng pader at kayo'y itatapon sa Harmon.” “Mga mamamayan ng Israel,” sabi ng Panginoong Yahweh, “Pumunta kayo sa Bethel at doo'y gumawa ng kasalanan! Pumunta rin kayo sa Gilgal at dagdagan pa ang inyong mga kasalanan! Magdala kayo ng mga hayop na ihahandog tuwing umaga; magdala kayo ng ikasampung bahagi tuwing ikatlong araw. Maghandog kayo ng tinapay bilang pasasalamat; ipagyabang ninyo ang inyong mga kusang-loob na handog! sapagkat ito ang gustung-gusto ninyong gawin. “Ginutom ko kayo sa bawat lunsod; walang tinapay na makain sa bawat bayan, gayunma'y hindi kayo nanumbalik sa akin. Hindi ko rin pinapatak ang ulan na kailangan ng inyong halaman. Nagpaulan ako sa isang lunsod ngunit sa iba'y hindi. Dinilig ko ang isang bukirin ngunit ang iba'y hinayaang matuyo. Kaya't naghanap ang mga tao mula sa dalawa o tatlong lunsod ng tubig sa karatig-lunsod ngunit di rin napatid ang kanilang uhaw. Gayunman, hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. “Sinira ko ang inyong pananim, sa pamamagitan ng mainit na hangin at amag. Kinain ng mga balang ang inyong mga halaman, pati ang mga puno ng ubas, igos at olibo, gayunma'y hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. “Pinadalhan ko kayo ng salot tulad ng aking ginawa sa Egipto. Pinatay ko sa digmaan ang inyong kabinataan; inagaw ko ang inyong mga kabayo. Bumaho ang inyong mga kampo dahil sa mga nabubulok na bangkay; halos hindi kayo makahinga, subalit hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. “Pinuksa ko ang ilan sa inyong lunsod tulad ng Sodoma at Gomorra. Kayo'y parang nagbabagang kahoy na inagaw sa apoy, ngunit ayaw pa rin ninyong manumbalik sa akin,” sabi ni Yahweh. “Mga taga-Israel gagawin ko ito sa inyo, kaya humanda kayong humarap sa inyong Diyos!” Siya ang lumikha ng mga bundok at ng hangin, at ang nagpapahayag sa mga tao ng kanyang kaisipan. Ginagawa niyang gabi ang araw; siya ang naghahari sa buong sanlibutan. Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat ang kanyang pangalan! Mga taga-Israel, pakinggan ninyo ang panaghoy kong ito tungkol sa inyo: Nabuwal ang Israel at di na makakabangon. Nakahandusay siya at sa kanya'y walang tumutulong. Sinabi ng Panginoong Yahweh, “Sa sanlibong kawal na inatasan ng isang lunsod, iisang daan ang makakabalik; sa sandaan namang inatasan ng isa pang lunsod, ang makakabalik ay sampu na lamang.” Ito pa ang sabi ni Yahweh sa mga taga-Israel: “Lumapit kayo sa akin at kayo'y mabubuhay; huwag kayong pumunta sa Bethel upang humingi ng tulong; huwag kayong pumunta doon sa Beer-seba, sapagkat ang mga taga-Gilgal ay tiyak na mabibihag, at ang Bethel ay mawawalang kabuluhan.” Lumapit kayo kay Yahweh at kayo'y mabubuhay. Kung hindi, bababâ siyang parang apoy sa mga anak ni Jose, susunugin ang Bethel at walang makakasugpo sa apoy na ito. Kahabag-habag kayo na nagkakait ng katarungan at yumuyurak sa karapatan ng mga tao! Nilikha ni Yahweh ang Pleyades at ang Orion. Itinatakda niya ang araw at ang gabi. Tinipon niya ang tubig mula sa karagatan, upang muling ibuhos sa sangkalupaan; Yahweh ang kanyang pangalan. Winawasak niya ang mga kuta at dinudurog ang mga tanggulan. Namumuhi kayo sa naninindigan sa katarungan, at hinahamak ang nagsasabi ng katotohanan. Ginigipit ninyo ang mahihirap at hinuhuthot ang kanilang ani. Kaya't hindi ninyo matitirhan ang bahay na batong inyong itinayo, ni malalasap man lang ang alak mula sa malalawak ninyong ubasan. Alam ko kung gaano karami ang inyong ginawang kasamaan, at kung gaano kabigat ang inyong mga kasalanan. Kayo'y humihingi ng suhol sa mga taong matuwid, at ipinagkakait ninyo sa mga mahihirap ang katarungan. Naghahari ang kasamaan sa panahong ito; kaya't kung ika'y matalino, mananahimik ka na lang. Gawin mo ang matuwid, hindi ang masama, upang ikaw ay mabuhay. Sa gayon, sasaiyo si Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat, tulad ng sinasabi mo. Kamuhian mo ang masama, ibigin ang mabuti. Pairalin mo sa mga hukuman ang katarungan, baka sakaling kahabagan ni Yahweh ang matitirang buháy sa lahi ni Jose. Kaya't sinasabi ni Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ang Panginoon, “Maririnig sa mga lansangan ang mga pagtangis; at ang mga paghihinagpis sa mga liwasan. Pati ang mga magsasaka ay makikidalamhati, kasama ng mga bayarang taga-iyak. May mga pagtangis sa bawat ubasan, sapagkat darating na ako sa inyong kalagitnaan.” Kahabag-habag kayo na naghihintay sa pagdating ng araw ni Yahweh! Bakit ninyo hinihintay ang araw na iyon? Iyon ay magiging araw ng kadiliman, hindi ng kaliwanagan. Para kayong umiwas sa leon ngunit oso ang nasagupa! O kaya'y gaya ng isang taong umuwi sa bahay, ngunit pagsandal sa dingding ay tinuklaw ng ahas! Magiging pusikit na kadiliman at hindi kaliwanagan ang araw ni Yahweh; araw na napakalungkot at napakadilim! “Namumuhi ako sa inyong mga handaan, hindi ako nalulugod sa inyong mga banal na pagtitipon. Hindi ko matatanggap ang inyong mga handog na sinusunog, handog na mga pagkaing butil at mga hayop na pinataba. Kahit na ang mga iyon ay handog pangkapayapaan, hindi ko pa rin papansinin. Tigilan na ninyo ang maiingay na awitan; ayoko nang marinig ang inyong mga alpa. Sa halip ay padaluyin ninyo ang katarungan, gaya ng isang ilog; gayundin ang katuwiran tulad ng isang di natutuyong batis. “Sa loob ng apatnapung taóng pamamalagi ninyo sa ilang, O Israel, nagdala ba kayo sa akin ng mga handog na sinusunog at ng mga handog ng pasasalamat? Buhatin na ninyo ang rebulto ni Sakut na inyong hari at ni Kaiwan, ang diyos na bituin, ang mga imahen na inyong ginawa. Dahil dito'y itatapon ko kayo sa kabila pa ng Damasco,” sabi ni Yahweh, na ang pangalan ay Diyos na Makapangyarihan sa lahat. Kahabag-habag kayong namumuhay na maginhawa sa Zion, at kayong naninirahang matiwasay sa Bundok ng Samaria, kayo na kinikilala sa Israel, ang bansang pinili at nilalapitan ng mga nangangailangan! Tingnan ninyo ang lunsod ng Calne; puntahan ninyo ang tanyag na lunsod ng Hamat, at ang Gat, na lunsod ng mga Filisteo. Nakakahigit ba sila kaysa Juda at Israel? Mas malaki ba ang lupaing sakop nila kaysa inyo? Gusto ninyong ipagpaliban ang araw ng inyong kapahamakan, ngunit sa ginagawa ninyo'y lalong nalalapit ang araw ng karahasan. Kahabag-habag kayo na nahihiga sa magagarang kama na yari sa garing, at nagpapahinga sa malalapad na himlayan, habang nagpapakabusog sa mga piling tupa at pinatabang guya. Lumilikha pa kayo ng mga walang kabuluhang awitin sa saliw ng alpa; tulad ni David, gumagawa kayo ng mga instrumento para sa inyong musika. Sa malalaking mangkok na kayo umiinom ng alak, at mamahaling pabango ang ipinapahid sa katawan, ngunit hindi kayo nagdadalamhati sa pagkawasak ng Israel! Kaya nga't kayo ang unang magiging bihag; matitigil na ang inyong mga handaan at pagdiriwang. Mariing ipinahayag ng Panginoong Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat, “Namumuhi ako sa labis na kapalaluan ng Israel! Hindi ako nalulugod sa kanilang mga tanggulan. Ibibigay ko sa kaaway ang buong lunsod at ang lahat ng bagay na naroon.” Kung sasampung lalaki ang natira sa isang pamilya, silang lahat ay mamamatay. Kapag dumating ang kamag-anak ng mga namatay upang ilabas at sunugin ang mga bangkay, magtatanong siya sa sinumang nagtatago sa bahay kung mayroon pa siyang ibang kasama. Kung ang sagot ay, “Wala!” sasabihin nito, “Tumahimik ka!” Ingatan nating huwag mabanggit man lang ang pangalan ni Yahweh. Kapag siya ang nag-utos, magkakadurug-durog ang mga bahay, malaki man o maliit. Tumatakbo ba sa batuhan ang mga kabayo? Naipang-aararo ba sa dagat ang mga baka? Hindi nga, ngunit ginawa ninyong lason ang katarungan at pinalitaw na mali ang tama. Tuwang-tuwa kayo nang masakop ninyo ang bayan ng Lo-debar. Sabi ninyo, “Tayo'y malakas at nakaya nating sakupin ang Karnaim.” Ngunit ito ang sagot ni Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat: “Susuguin ko ang isang bansa laban sa inyo, mga taga-Israel. Kayo'y pahihirapan buhat sa Pasong Hamat sa hilaga hanggang sa Batis ng Araba sa timog.” Ito ang pangitaing ipinakita sa akin ng Panginoong Yahweh: Nagpakawala siya ng maraming balang pagkatapos na gapasin ang bahagi ng ani na para sa hari, at habang nagsisimulang tumubo ang pananim. Nakita kong sinimot ng mga balang ang lahat ng halaman sa lupain. At nasabi ko, “Panginoong Yahweh, patawarin mo po ang iyong bayan! Paano pa sila mabubuhay? Sila'y maliliit at mahihina!” Nagbago ang isip ni Yahweh at sinabi niya, “Sige, hindi na mangyayari ang iyong nakita.” Ito ang sumunod na ipinakita sa akin ng Panginoong Yahweh: Handa na siya upang parusahan ang mga tao sa pamamagitan ng apoy. Ang tubig sa kalaliman ng lupa ay tinuyo ng apoy at ngayo'y nasusunog na ang lupain. Kaya't ako'y nakiusap, “Panginoong Yahweh, maawa po kayo sa kanila! Sila'y mahihina't maliliit, baka hindi sila makatagal!” Nagbago ang isip ni Yahweh at ang sabi, “Hindi ko na rin ito hahayaang mangyari.” Ito pa ang ipinakita niya sa akin: Siya'y nakatayo sa tabi ng pader na ginamitan ng hulog. Nakita kong hawak niya ang hulog. Tinanong ako ni Yahweh, “Amos, ano ang nakikita mo?” “Isang hulog po,” sagot ko. At sinabi niya, “Sa pamamagitan ng hulog na ito, ipapakita ko ang pagkakamali ng aking bayang Israel. Hindi na magbabago pa ang pasya ko, paparusahan ko sila. Mawawasak ang mga altar ng mga salinlahi ni Isaac. Mawawasak ang mga banal na dako ng Israel. Sa pamamagitan ng tabak, pupuksain ko ang sambahayan ni Jeroboam.” Si Amazias na pari sa Bethel ay nagsumbong kay Haring Jeroboam ng Israel. “Kasama ng mga tao, si Amos ay may balak na masama laban sa inyo,” sabi niya. “Dahil sa mga sinasabi niya'y nagugulo ang bayan. Sinasabi niyang, ‘Mamamatay si Jeroboam sa digmaan, at ang Israel ay dadalhing-bihag sa isang malayong lupain.’” Pagkatapos, hinarap naman ni Amazias si Amos at sinabi, “Tama na iyan, Propeta! Magbalik ka na sa Juda; doon ka mangaral. Hayaan mong sila ang magbayad sa iyo. Huwag ka nang mangaral dito sa Bethel. Narito ang templo ng kaharian at dito sumasamba ang hari.” Sumagot si Amos, “Hindi ako propeta na nangangaral at hindi rin nagsanay na maging isang propeta upang bayaran. Ako'y pastol at nag-aalaga rin ng mga puno ng sikamoro. Ngunit inalis ako ni Yahweh sa gawaing iyon at inutusang magpahayag sa mga taga-Israel para kay Yahweh. Kaya pakinggan ninyo ang sinasabi ni Yahweh. Sinabi ninyo, ‘Huwag kang mangaral laban sa Israel, at huwag kang mangaral laban sa sambahayan ni Isaac.’ Sinasabi ni Yahweh, ‘Ang asawa mo'y magiging babaing bayaran, at masasawi naman sa digmaan ang iyong mga anak. Paghahati-hatian ng iba ang iyong lupain at ikaw ay mamamatay. Sa isang bayang hindi kumikilala kay Yahweh, ang mga taga-Israel ay dadalhing-bihag sa isang malayong lupain.’” Ipinakita naman sa akin ng Panginoong Yahweh ang isang basket ng prutas. Sinabi niya, “Amos, ano ang nakikita mo?” “Isa pong basket ng prutas,” sagot ko. At sinabi sa akin ni Yahweh, “Dumating na ang wakas ng Israel. Ang pagpaparusa sa kanila'y di ko na maipagpapaliban pa. At sa araw na iyon, malulungkot na awitin ang maririnig sa palasyo. May mga bangkay na naghambalang sa labas at maghahari ang katahimikan.” Pakinggan ninyo ito, kayong sumisikil sa mga nangangailangan, at kayong umaapi sa mga dukha. Ang sabi ninyo sa inyong sarili, “Inip na inip na kaming matapos ang mga araw ng pagdiriwang. Hindi tuloy namin maipagbili ang aming mga inani. Kailan ba matatapos ang Sabbath, para maipagbili namin ang mga trigo? Tataasan namin ang halaga, gagamit kami ng madayang takalan, at dadayain namin sa timbang ang mga mamimili. Bibilhin namin upang maging alipin ang mga mahihirap sa halagang isang pilak, at ang mga nangangailangan ay sa halagang katumbas ng isang pares na sandalyas. At ipagbibili namin ang ipa ng trigo.” Sumumpa si Yahweh, ang Diyos ng Israel, “Hindi ko na mapapatawad ang masasama nilang gawa. Magkakaroon ng lindol sa lupa at mananangis ang bawat isa. Mayayanig ang buong bayan; tataas-bababâ ito na tulad ng Ilog Nilo.” Sa araw na iyon, sabi ng Panginoong Yahweh, “Lulubog ang araw sa katanghaliang-tapat, at magdidilim sa buong maghapon. Ang iyong kapistahan ay gagawin kong araw ng kapighatian; at ang masasayang awitin ninyo'y magiging panaghoy. Pipilitin ko kayong magsuot ng panluksa, at mapipilitan kayong mag-ahit ng ulo. Matutulad kayo sa magulang na nagdadalamhati, dahil sa pagkamatay ng kaisa-isang anak. Ang araw na iyon ay magiging mapait hanggang sa wakas.” Sinabi ng Panginoong Yahweh, “Darating din ang araw na papairalin ko sa lupain ang taggutom. Magugutom sila ngunit hindi sa pagkain; mauuhaw sila ngunit hindi sa tubig, kundi sa pakikinig ng aking mga salita. Mula sa hilaga papuntang timog, mula sa silangan hanggang sa kanluran, hahanapin nila ang salita ni Yahweh, subalit iyon ay hindi nila matatagpuan. Dahil sa matinding pagkauhaw na ito, mawawalan ng malay-tao ang magagandang dalaga at ang malalakas na binata. Ang mga sumusumpa sa pangalan ng mga diyus-diyosan sa Samaria, ang mga nagsasabing, ‘Sa ngalan ng diyos ng Dan,’ at ‘Sa ngalan ng diyos ng Beer-seba,’ sila'y mabubuwal at hindi na makakabangon pa.” Nakita kong nakatayo sa may altar ang Panginoon. At siya'y nag-utos ng ganito: “Bayuhin mo ang mga haligi ng templo hanggang sa mauga ang buong pundasyon, at ihampas ito sa ulo ng mga tao. Ang mga nalabi ay masasawi sa digmaan, walang sinumang makakatakas; isa ma'y walang makakaligtas. Humukay man sila patungo sa daigdig ng mga patay, aabutan ko pa rin sila. Umakyat man sila sa langit, hihilahin ko silang pababa mula roon. Kung magtago man sila sa Bundok ng Carmel, tutugisin ko sila't huhulihin. Magtago man sila sa kalaliman ng dagat, uutusan ko ang dambuhala sa dagat upang sila'y lamunin. Kung bihagin man sila ng kanilang kaaway, iuutos kong sila'y patayin sa pamamagitan ng tabak. Ipinasya ko nang puksain sila at hindi tulungan.” Si Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon, siya na humipo sa lupa at iyon ay natutunaw, at ang lahat ng naroon ay nagdadalamhati. Dahil dito'y ang buong lupain ay tumataas gaya ng Ilog Nilo, at bumababa gaya ng ilog sa Egipto. Siya na gumagawa ng mga silid doon sa kalangitan, at naglalagay ng pundasyon nito sa ibabaw ng lupa, inipon niya ang tubig sa dagat, at ibinubuhos iyon sa lupa. Yahweh ang kanyang pangalan! Sinasabi ni Yahweh, “Para sa akin, kayong mga taga-Israel, ay kapantay lang ng mga taga-Etiopia. Hinango ko ang Israel mula sa Egipto; iniahon ko ang mga Filisteo sa Caftor at ang mga taga-Siria mula sa Kir. Ako ang Panginoong Yahweh na nagmamasid sa makasalanang kaharian ng Israel. Lilipulin ko sila sa balat ng lupa, ngunit di ko lubusang pupuksain ang lahi ni Jacob. “Iuutos kong ligligin ang bayan ng Israel kasama ng lahat ng bansa; tulad ng pag-alog sa salaan, ngunit walang butil na babagsak sa lupa. Ang mga makasalanan sa aking bayan ay masasawi sa digmaan; lahat ng nagsasabing, ‘Hindi ipahihintulot ng Diyos na tayo'y mapahamak.’” “Sa araw na iyon, ibabangon kong muli ang nawasak na kaharian ni David, at aayusin kong muli ang mga nasirang dako. Ibabalik ang mga guho; itatayo kong muli iyon, kagaya noong una. Sa gayon ay sasakupin ng Israel ang nalalabi sa lupain ng Edom at ang lahat ng bansang dati'y aking pag-aari,” sabi ni Yahweh na siyang gagawa ng mga bagay na ito. Sinabi rin ni Yahweh, “Darating ang panahon, mag-aararo ang magbubukid habang nag-aani pa ang manggagapas; at maghahasik na ng binhi ng ubas ang magsasaka habang gumagawa pa ng alak ang mag-aalak. Dadaloy sa mga bundok ang bagong alak, at masaganang aagos sa mga burol. Ibabalik ko sa kanilang lupain ang aking bayan. Itatayo nilang muli ang kanilang mga lunsod na nawasak, at doon sila maninirahan. Tatamnan nilang muli ang mga ubasan at sila'y iinom ng alak. Magtatanim silang muli sa mga halamanan at kakain ng mga bunga niyon. Ibabalik ko ang Israel sa lupaing ibinigay ko sa kanila, at hindi na sila maaalis pang muli roon.” Si Yahweh na inyong Diyos ang nagsasalita. Ang aklat na ito ay naglalaman ng pangitaing ibinigay ng Panginoong Yahweh kay Propeta Obadias tungkol sa Edom. May narinig kaming ulat buhat sa Panginoong Yahweh; may isang sugo na ipinadala sa mga bansa: “Humanda kayo at ang Edom ay salakayin!” Sinabi ni Yahweh sa Edom, “Gagawin kitang pinakamahinang bansa, at kamumuhian ka ng lahat ng mga tao. Nilinlang ka ng iyong kayabangan; dahil ang kapitolyo mo'y nakatayo sa batong buháy; dahil ang tahanan mo'y nasa matataas na kabundukan. Kaya't sinasabi mo, ‘Sinong makakapagpabagsak sa akin?’” Kasintaas man ng pugad ng agila ang iyong bahay, o maging ang mga bituin man ay iyong kapantay, hahatakin kitang pababa at ikaw ay babagsak. “Kung sa gabi'y dumating ang magnanakaw, ang kinukuha lamang nila'y ang kanilang magustuhan. Kapag ang mga tao'y namimitas ng ubas, kahit kaunting bunga'y nagtitira sila. Ngunit ang mga kaaway mo'y walang ititira kahit isa. O lahi ni Esau, ang yaman mo'y sasamsamin; at ang lahat ng sa iyo'y kukuhanin. Nilinlang ka ng iyong mga kapanalig, itinaboy ka mula sa iyong lupain. Nasasakop ka na ngayon ng iyong mga kakampi. Ang iyong mga kaibigang noo'y kasalo, ngayo'y naglagay ng patibong para sa iyo; at kanila pang sinasabi, ‘Nasaan na ang kanyang katusuhan?’” Sinabi ni Yahweh: “Darating ang araw na paparusahan ko ang Edom, lilipulin ko ang kanyang mga matatalinong tao, at ang kaalaman nila'y aking papawiin. Mga mandirigma ng Teman ay pawang nasisindak, at ang mga kawal ng Edom ay malilipol na lahat. “Dahil sa ginawa mong karahasan sa angkan ng kapatid mong si Jacob, sa kahihiya'y malalagay ka, at mahihiwalay sa akin magpakailanman. Pinanood mo lamang sila, nang araw na pasukin ng mga kaaway. Kasinsama ka ng mga dayuhan na nananamsam at naghahati-hati sa kayamanan ng Jerusalem na kanilang tinangay. Hindi mo dapat ikinatuwa ang kapahamakang sinapit ng iyong mga kapatid sa lupain ng Juda. Hindi ka dapat nagalak sa araw ng kanilang pagkawasak; hindi ka dapat naging palalo sa araw ng kanilang kasawian. Hindi mo dapat pinasok ang lunsod ng aking bayan, ni pinagtawanan ang kanilang kasawian. At sinamsam mo pa ang kanilang kayamanan sa panahon ng kanilang kapahamakan. Hindi ka dapat nag-abang sa mga sangang-daan upang ang mga pugante doon ay hadlangan. Hindi mo na dapat sila ibinigay sa kalaban sa araw na iyon ng kanilang kapahamakan. “Malapit na ang araw ng aking paghatol sa lahat ng bansa,” sabi ni Yahweh. “Ang ginawa mo Edom, sa iyo'y gagawin din; ang ibinigay mo sa iba, siya mo ring tatanggapin. Sa banal na bundok ko ay nalasap ng aking bayan ang mapait na alak na sa kanila'y kaparusahan. Ngunit ang mga bayan na dito'y nakapaligid, higit na parusa ang kanilang matitikman; iinom sila nito at lubos na mapaparam. “Ngunit sa Bundok Zion ay may ilang makakatakas, at ang bundok na ito'y magiging banal na dako. Muling aariin ng lahi ni Jacob ang lupaing sa kanila ay ipinagkaloob. At maglalagablab naman ang lahi ni Jose. Lilipulin nila ang lahi ni Esau, at susunugin ito na parang dayami. Walang matitira isa man sa kanila. Akong si Yahweh ang maysabi nito. “Sasakupin ng mga taga-Negeb ang Bundok ng Edom. Sasakupin ng mga nasa kapatagan ang lupain ng mga Filisteo. Makukuha nila ang lupain ng Efraim at Samaria. Ang Gilead nama'y sasakupin ng lahi ni Benjamin. Magbabalik ang hukbong binubuo ng mga dinalang-bihag, sila na nagmula sa hilagang Israel. Sila ang sasakop sa lupain ng Fenicia hanggang sa Zarefat doon sa hilaga. Ang mga taga-Jerusalem na itinapon sa Sardis ang siya namang sasakop sa mga lunsod sa timog ng Juda. Ang matagumpay na hukbo ng Jerusalem, sasalakay sa Edom at doo'y mamamahala. Si Yahweh mismo ang doo'y maghahari.” Ang aklat na ito ay naglalaman ng mensahe ni Yahweh sa pamamagitan ni Jonas na anak ni Amitai. Isang araw, sinabi sa kanya ni Yahweh: “Pumunta ka sa Nineve na isang malaking lunsod, at sabihin mo sa mga tagaroon na umabot na sa aking kaalaman ang kanilang kasalanan.” Sa halip na sumunod, ipinasya ni Jonas na takasan si Yahweh. Nagtungo siya sa Joppa, at doon ay nakatagpo ng isang barkong patungong Tarsis. Pagkatapos na magbayad ng pamasahe, sumakay siya sa barko upang maglakbay kasama ng iba pang mga pasahero patungong Tarsis. Sa ganitong paraan ay inakala niyang makakatakas siya kay Yahweh. Ngunit nang sila'y nasa laot na, nagpadala si Yahweh ng isang malakas na bagyo kaya't halos mawasak ang barko. Dahil dito, labis na natakot ang mga tripulante kaya't silang lahat ay humingi ng tulong sa kani-kanilang diyos. Pagkatapos, inihulog nila sa dagat ang mga kargamento para gumaan ang sasakyan. Samantala, si Jonas naman ay mahimbing na natutulog sa isang sulok sa ibabang palapag ng barko. Nakita siya ng kapitan at ginising, “Ano't nagagawa mo pang matulog? Bumangon ka't manalangin sa iyong diyos, baka sakaling kaawaan niya tayo at iligtas sa kamatayan.” Nag-usap-usap ang mga tripulante, “Magpalabunutan tayo, para malaman natin kung sino ang dahilan ng lahat ng ito.” Gayon nga ang kanilang ginawa at nabunot ang pangalan ni Jonas. Kaya't siya'y kinausap nila, “Sabihin mo sa amin kung sino ang dapat sisihin sa nangyayaring ito. Anong ginagawa mo rito? Saang bansa ka galing? Tagasaan ka at anong lahi mo?” Sumagot si Jonas, “Ako ay isang Hebreo at sumasamba ako kay Yahweh, ang Diyos ng kalangitan na lumikha ng dagat at ng lupa.” Sinabi ni Jonas na tinakasan niya si Yahweh. Nakadama ng matinding takot ang mga nakarinig kaya sinabi nila kay Jonas, “Napakalaking kasalanan ang ginawa mo!” Lalong lumakas ang bagyo, kaya tinanong nila si Jonas, “Ano ang dapat naming gawin sa iyo para pumayapa ang dagat?” “Ihagis ninyo ako sa dagat at papayapa ito. Alam kong ako ang dahilan kaya nagkaroon ng ganito kalakas na bagyo,” sagot niya. Gayunpaman, sinikap ng mga tripulante na itabi ang barko, ngunit wala silang magawâ sapagkat lalong lumalakas ang bagyo. Kaya't nanalangin sila kay Yahweh nang ganito: “Yahweh, huwag po ninyo kaming hayaang mamatay dahil sa gagawin namin sa taong ito. Huwag po ninyo kaming parusahan kung mamatay man ang taong ito. Kayo po Yahweh ang may pananagutan dito.” Pagkasabi nito, binuhat nila si Jonas at inihagis sa dagat. Agad namang pumayapa ang dagat. Dahil dito, nagkaroon sila ng matinding takot kay Yahweh kaya't sila'y nag-alay ng handog at nangakong maglilingkod sa kanya. Sa utos ni Yahweh, nilamon si Jonas ng isang dambuhalang isda at siya'y nanatili ng tatlong araw at tatlong gabi sa tiyan nito. Habang si Jonas ay nasa tiyan ng isda, nanalangin siya ng ganito: “Yahweh, nang ako'y nasa kagipitan, nanalangin ako sa inyo, at sinagot ninyo ako. Mula sa daigdig ng mga patay ako'y tumawag sa inyo, at dininig ninyo ako. Itinapon ninyo ako sa kalaliman; sa pusod ng karagatan. Nabalot ako ng malakas na agos ng tubig, at malalaking alon ang sa akin ay tumabon. Akala ko'y malayo na ako sa inyo, at hindi ko na kailanman makikitang muli ang banal mong Templo. Hinigop ako ng kalaliman, hanggang sa tuluyang lumubog; napuluputan ang aking ulo ng mga halamang dagat. Ako'y bumabâ sa paanan ng mga bundok, sa libingan ng mga patay. Ngunit mula roo'y buháy akong iniahon, O Yahweh. Nang maramdaman kong malalagot na ang aking hininga, naalala ko kayo, Yahweh. Ako'y nanalangin, at mula sa banal ninyong Templo, ako'y inyong narinig. Ang mga sumasamba sa mga diyus-diyosan ay hindi naging tapat sa inyo. Ngunit aawit ako ng pasasalamat at sa inyo'y maghahandog; tutuparin ko ang aking mga pangako, O Yahweh na aking Tagapagligtas!” Pagkatapos, inutusan ni Yahweh ang isda na iluwa si Jonas sa dalampasigan. Muling sinabi ni Yahweh kay Jonas, “Pumunta ka sa Lunsod ng Nineve at ipahayag mo ang mga ipinapasabi ko sa iyo.” Nagpunta nga si Jonas sa Nineve. Malaki ang lunsod na ito; aabutin ng tatlong araw kung ito ay lalakarin. Siya'y pumasok sa lunsod. Pagkaraan ng maghapong paglalakad, malakas niyang ipinahayag, “Gugunawin ang Nineve pagkaraan ng apatnapung araw!” Naniwala ang mga tagaroon sa pahayag na ito mula sa Diyos. Kaya, nag-ayuno silang lahat at nagdamit ng panluksa bilang tanda ng lubos na pagsisisi at pagtalikod sa kanilang mga kasalanan. Nang mabalitaan ito ng hari ng Nineve, bumabâ siya sa kanyang trono, naghubad ng balabal, nagdamit ng panluksa at naupo sa abo. At ipinasabi niya sa mga taga-Nineve, “Ito'y utos ng hari at ng kanyang mga pinuno. Walang dapat kumain ng anuman. Wala ring iinom, maging tao o hayop. Lahat ng tao at hayop ay magdamit ng panluksa. Taimtim na manalangin sa Diyos ang bawat isa. Pagsisihan ng lahat ang nagawa nilang kasalanan at iwan ang masamang pamumuhay. Baka sa paraang ito'y mapawi ang galit ng Diyos, magbago siya ng kanyang pasya at hindi na niya ituloy ang balak na pagpatay sa atin.” Nakita ng Diyos ang kanilang pagtalikod sa kasamaan kaya hindi na niya pinarusahan ang mga ito tulad ng kanyang naunang sinabi. Ngunit dahil dito, nalungkot si Jonas at siya'y nagalit sapagkat hindi niya nagustuhan ang pagpapatawad ng Diyos sa Nineve. Kaya't siya'y nanalangin, “O Yahweh, hindi ba bago pa ako magpunta rito ay sinabi kong ganito nga ang gagawin ninyo? At ito ang dahilan kaya ako tumakas patungong Tarsis! Alam kong kayo ay Diyos na mahabagin at mapagmahal, hindi madaling magalit at wagas ang pag-ibig. Alam kong lagi kayong handang magpatawad. Mabuti pang mamatay na lang ako, Yahweh. Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa mabuhay.” Sumagot si Yahweh, “Anong ikinagagalit mo, Jonas?” Pagkasabi nito, lumakad si Jonas papunta sa silangan ng lunsod at naupo. Gumawa siya ng isang silungan at doon hinintay kung ano ang mangyayari sa lunsod. Pinatubo ng Diyos na si Yahweh sa may tabi ni Jonas ang isang malagong halaman na nagbibigay ng lilim sa kanya. Labis naman itong ikinagalak ni Jonas. Ngunit kinabukasan, ang halaman ay ipinasira ng Diyos sa isang uod at ito'y natuyo. Sumikat nang matindi ang araw at umihip ang nakakapasong hangin; halos mahilo si Jonas sa tindi ng init. Kaya sinabi niya, “Mabuti pang mamatay na ako.” Sinabi sa kanya ng Diyos, “Dapat ka bang magalit dahil sa nangyari sa halaman?” Sumagot siya, “Opo, nagagalit po ako. Gusto ko nang mamatay.” Sinabi ni Yahweh, “Tumubo ang halamang iyon, lumago sa loob ng magdamag, at namatay kinabukasan. Wala kang hirap diyan ngunit nalungkot ka nang iyan ay mamatay. Ako pa kaya ang hindi malulungkot sa kalagayan ng Nineve? Ito'y isang malaking lunsod na tinitirhan ng mahigit na 120,000 taong hindi alam kung ano ang mabuti o ang masama, bukod pa sa maraming kawan!” Ang aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Mikas na isang taga-Moreset. Noong panahon ng paghahari sa Juda ni Haring Jotham, Haring Ahaz, at Haring Hezekias, sinabi sa kanya ni Yahweh ang mga pahayag tungkol sa Samaria at sa Jerusalem. Pakinggan ninyo ito, mga bansa, kayong lahat na naninirahan sa buong daigdig. Ang pahayag ng Panginoong Yahweh laban sa inyo ay pakinggan. Siya'y nagsasalita buhat sa kanyang banal na templo. Lalabas si Yahweh mula sa kanyang dakong banal. Bababâ at maglalakad sa mga sagradong bundok. Sa sandaling yapakan niya ang mga bundok, ang mga ito'y matutunaw. At ang mga libis ay mabibiyak na gaya ng kandilang nadarang sa init ng apoy, gaya ng tubig na aagos mula sa burol. Ang lahat ng ito'y magaganap dahil sa pagsuway ng lahi ni Jacob, dahil sa mga kasalanan ng sambahayan ni Israel. Sino ang dapat sisihin sa paghihimagsik ng Israel? Walang iba kundi ang Samaria! Sino ang sumamba sa mga diyus-diyosan? Walang iba kundi ang mga taga-Jerusalem! Kaya't sinabi ni Yahweh, “Gigibain ko ang Samaria at lubusang iguguho, hanggang siya'y maging isang bunton ng lupa, na angkop lamang pagtaniman ng ubas. Paguguhuin ko papunta sa libis ang kanyang mga bato, at wawasakin ko ang kanyang mga pundasyon. Madudurog ang lahat ng imahen doon; masusunog ang lahat ng ibinabayad ng mga sumasamba roon. At ang mga diyus-diyosan doon ay mawawasak; sapagkat ang mga ito'y bayad sa mga upahang babae ng mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, kaya't iyon ay tatangayin ng kanilang mga kaaway.” Dahil dito'y mamimighati ako at tatangis. Lalakad akong hubad at nakayapak. Mananaghoy akong gaya ng mga asong-gubat, at mananangis na tulad ng mga kuwago. Sapagkat ang sugat ng Samaria ay hindi na gagaling. Ito rin ay kakalat sa buong Juda; papasok sa pinto ng Jerusalem na tirahan ng aking bayang pinili. Huwag ninyong ibalita sa Gat ang ating pagkatalo. Huwag ninyong ipapakita sa kanya ang inyong pagtangis. Sa bayan ng Afra kayo maglupasay. Mga taga-Safir, magpabihag kayo, at hayaan ninyong kayo'y itapong nakahubad at kahiya-hiya ang kalagayan. Mga taga-Zaanan, huwag kayong umalis sa inyong lunsod. Sa pamimighati ng Bethezel, malalaman ninyong hindi na ito maaaring pagkanlungan. Ang mga taga-Marot ay nababalisang hinihintay ang saklolo, sapagkat malapit na sa Jerusalem ang kapahamakang ipinadala ni Yahweh. Kayong mga taga-Laquis, isingkaw ninyo sa mga karwahe ang mabibilis na kabayo. Sapagkat tinularan ninyo ang mga kasalanan ng Israel, at kayo ang nag-akay upang magkasala ang Jerusalem. At ngayon, mga taga-Juda, magpaalam na kayo sa bayan ng Moreset-Gat. Walang maaasahang tulong ang mga hari ng Israel mula sa bayan ng Aczib. Mga taga-Maresa, ipapasakop kayo ni Yahweh sa inyong kaaway. Ang mga pinuno ng Israel ay tatakas at magtatayo sa yungib ng Adullam. Mga taga-Juda, gupitin ninyo ang inyong buhok bilang pagluluksa sa mga anak ninyong minamahal. Ahitan ninyo ang inyong mga ulo gaya ng mga agila, sapagkat ang mga anak ninyo'y inagaw at dinalang-bihag. Kakila-kilabot ang mangyayari sa mga hindi na natutulog dahil sa pagbabalak ng kasamaan at maagang bumabangon upang agad itong isagawa sa sandaling magkaroon ng pagkakataon. Kapag nagustuhan nila ang lupa ng may-lupa, kinakamkam nila ito. Inaapi nila ang mga tao sa pamamagitan ng pandaraya upang maalipin nila ang pamilya ng mga ito at masamsam ang kanilang mga ari-arian. Kaya nga, sinasabi ni Yahweh, “Paparusahan ko ang sambahayang ito, at walang sinumang makakatakas dito. Hindi na kayo muling makapagmamataas pagkaraan ng araw ng inyong kapahamakan. Sa araw na iyon ay kukutyain kayo ng inyong mga kaaway sa pamamagitan ng pag-awit tungkol sa inyong kasawian: ‘Ganap na kaming nawasak; inalis na ni Yahweh ang aming karapatan sa mga lupaing bahagi ng aming sambahayan at pinaghati-hati ang mga ito sa mga bumihag sa amin.’” Kaya't kapag dumating na ang panahong ibabalik na ni Yahweh ang lupain sa kanyang bayan, wala na kayong bahagi dito. Sasabihin nila, “Huwag kang magpahayag. Huwag mong ipahayag ang gayong mga bagay. Hindi kami ilalagay ng Diyos sa kahihiyan. Sa palagay mo ba'y hinahatulan ang sambayanan ng Israel? Ubos na ba ang pasensiya ni Yahweh? Talaga bang magagawa niya iyon? Hindi ba't mabait siya sa mga gumagawa ng matuwid?” Sumagot si Yahweh, “Subalit sinasalakay ninyo na parang kaaway ang aking bayan. Nagsisiuwi sila mula sa digmaan na ang akala'y ligtas sila sa kanilang bayan. Ngunit naroon pala kayo at naghihintay upang sila'y hubaran. “Itinaboy ninyo ang mga kababaihan ng aking bayan mula sa kanilang mga tahanang pinagyayaman. Lubusan ninyong pinagkait ang aking pagpapala sa kanilang mga anak. Maghanda kayo at umalis dito; hindi na ligtas ang dakong ito para sa inyo. Sinumpa na ng inyong mga kasalanan ang dakong ito at ito'y wawasakin. “Ang gusto nilang propeta ay iyong nagpapahayag ng kasinungalingan at pandaraya at nagsasabing, ‘Sasagana kayo sa alak.’ “Gayunman, darating ang panahon na kayong mga naiwan sa Israel ay titipunin ko. Pagsasama-samahin ko kayo, tulad ng mga tupa sa kawan. Gaya ng pastulang puno ng mga tupa, ang inyong lupain ay mapupuno ng mga tao.” Magbubukas ang Diyos ng daan para sa kanila at palalayain sila mula sa pagkabihag. Magtatakbuhan silang palabas sa mga pintuang lunsod at magiging malaya. Si Yahweh mismo na kanilang hari ang sa kanila'y mangunguna. At sinabi ko, “Makinig kayo, lahat ng mga pinuno ng Israel! Katarungan ang dapat ninyong pairalin. Ngunit ayaw ninyo ng mabuti at ang nais ninyo'y kasamaan. Binabalatan ninyo nang buháy ang aking bayan at unti-unting hinihimay ang kanilang mga laman. Kinakain ninyo ang kanilang laman, binabakbak ang kanilang balat, binabali ang mga buto, at tinatadtad na parang karneng iluluto. Darating ang araw na kayo'y dadaing kay Yahweh, ngunit hindi niya kayo tutugunin. Hindi niya kayo papakinggan dahil sa inyong mga kasamaang ginawa.” Ganito ang sinasabi ni Yahweh tungkol sa mga bulaang propeta na naging dahilan ng pagkaligaw ng bayang Israel: “Nangangako sila ng kapayapaan sa mga nagsusuhol sa kanila, ngunit pinagbabantaan nilang didigmain ang ayaw magsuhol sa kanila.” “Sasapit ang gabi ngunit hindi kayo magkakaroon ng pangitain; lalaganap ang dilim subalit hindi kayo tatanggap ng pahayag mula sa Diyos. Lulubog na ang araw para sa mga propeta; malagim ang kahihinatnan nila. Mapapahiya ang mga manghuhula, pagtatawanan ang kanilang mga pahayag, sapagkat hindi na sila sinasagot ng Diyos. “Subalit ako'y puspos ng kapangyarihan, ng espiritu ni Yahweh, ng katarungan at kapangyarihan upang ipahayag sa mga Israelita ang kanilang mga kasalanan. Makinig kayo, lahat ng mga pinuno ng Israel. Nasusuklam kayo sa katarungan at binabaluktot ninyo ang katuwiran! Itinayo ninyo ang Zion sa pamamagitan ng pagpatay; itinatag ninyo ang Jerusalem sa pamamagitan ng kasamaan. Ang kanyang mga pinuno'y nagpapasuhol muna bago humatol, nagpapaupa ang mga pari para magturo, at ang mga propeta nama'y nanghuhula dahil sa salapi. Gayunman, umaasa sila kay Yahweh at sinasabi, ‘Nasa kalagitnaan natin si Yahweh kaya walang kasamaang darating sa atin.’” Kaya't dahil sa inyo, ang Zion ay bubungkalin tulad ng isang bukirin, magiging isang bunton ng gumuhong bato ang Jerusalem, at ang burol na kinatatayuan ng Templo'y magiging gubat. Darating ang panahon, na ang bundok na kinatatayuan ng Templo ni Yahweh ay mamumukod sa kataasan sa lahat ng bundok. Higit itong dadakilain kaysa lahat ng burol, at dudulog dito ang maraming bansa. Daragsa ang maraming tao at sasabihin nila, “Halikayo, tayo na sa bundok ni Yahweh, sa templo ng Diyos ni Jacob, upang malaman natin ang nais niyang gawin natin at matuto tayong lumakad sa kanyang landas. Sapagkat magmumula sa Zion ang katuruan, at sa Jerusalem ang salita ni Yahweh.” Siya ang mamamagitan sa mga bansa, at magpapairal ng katarungan sa lahat ng lahi. Kaya't gagawin nilang talim ng araro ang kanilang mga tabak, at karit naman ang kanilang mga sibat. Mga bansa'y di na mag-aaway, at sa pakikidigma'y di na magsasanay. Sa halip, bawat tao'y mamumuhay nang payapa sa kanyang ubasan at mga puno ng igos. Wala nang babagabag sa kanila, sapagkat ito ang pangako ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Kahit na magpatuloy sa pagsamba sa kanilang mga diyus-diyosan ang lahat ng bansa, kami'y kay Yahweh na aming Diyos lamang sasamba magpakailanman. Sinabi pa ni Yahweh, “Darating ang panahong titipunin ko ang mga napilayan at ang mga binihag, gayundin ang aking mga pinarusahan. Ang mga pilay na nalabi ay bibigyan ko ng bagong buhay, at ang mga itinapon ay gagawin kong isang malakas na bansa. Akong si Yahweh, ang maghahari sa kanila buhat sa Bundok ng Zion sa araw na iyon at magpakailanman.” At tungkol naman sa iyo, burol ng Zion, kung saan binabantayan ng Diyos ang kanyang bayan gaya ng isang pastol, ikaw ay muling magiging sentro ng kaharian katulad noon. Bakit ka dumaraing nang malakas? Wala na bang haring mangunguna sa iyo? Namatay na ba ang tagapayo mo, kaya't namimilipit ka sa sakit tulad ng isang babaing malapit nang manganak? Mamilipit kayo't dumaing dahil sa matinding sakit, mga taga-Jerusalem, sapagkat aalis kayo sa lunsod at maninirahan sa kabukiran. Itatapon kayo sa Babilonia ngunit kukunin muli roon; ililigtas kayo ni Yahweh mula sa kamay ng inyong mga kaaway. Maraming bansa ang nag-aabang upang salakayin ka. Sinabi nila, “Wasakin natin ang Zion. Panoorin natin ang kanyang pagkawasak.” Ngunit hindi nila alam ang iniisip ni Yahweh, hindi nila nauunawaan ang kanyang layunin. Sila'y kanya lamang tinitipon upang parusahan, gaya ng ginapas na trigo, upang dalhin sa giikan. Mga taga-Jerusalem, humanda kayo at parusahan ninyo ang inyong mga kaaway. Gagawin ko kayong kasinlakas ng isang toro na ang sungay ay bakal, at tanso naman ang mga paa. Dudurugin ninyo ang maraming bansa, ang mga kayamanang nasamsam ninyo ay ihahandog ninyo sa akin na Panginoon ng buong mundo. Mga taga-Jerusalem, tipunin ninyo ang inyong mga hukbo sapagkat kinukubkob na tayo ng mga kaaway. Sinasalakay na nila ang pinuno ng Israel! Sinabi ni Yahweh, “Ngunit ikaw, Bethlehem Efrata, bagama't pinakamaliit ka sa mga angkan ng Juda ay magmumula sa iyong angkan ang isang mamumuno sa Israel. Ang kanyang pinagmulan ay buhat pa noong una, noong unang panahon pa.” Kaya nga, ang bayan ni Yahweh ay ibibigay niya sa kamay ng mga kaaway hanggang sa isilang ng babae ang sanggol na mamumuno. Pagkatapos, ang mga Israelitang binihag ng ibang bansa ay kanyang ibabalik sa kanilang mga kababayan. Pagdating ng pinunong iyon, pamamahalaan niya ang kanyang bayan sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Yahweh sapagkat taglay niya ang kadakilaan ng pangalan ni Yahweh na kanyang Diyos. At ang Israel ay mamumuhay na ligtas, sapagkat kikilalanin ng buong daigdig ang haring iyon. At sa kanya magmumula ang kapayapaan. Kapag dumating ang mga taga-Asiria upang sakupin ang ating lupain, magsusugo tayo ng sapat na bilang ng pinakamalalakas na pinunong lalaban sa kanila. Sa pamamagitan ng mga sandata ay tatalunin nila ang Asiria na lupain ni Nimrod at ipagtatanggol nila tayo kapag sumalakay ang mga taga-Asiria. Ang mga nakaligtas na Israelita ay maninirahan sa maraming mga bansa. Matutulad sila sa hamog na mula kay Yahweh at para silang ulan na dumidilig sa damuhan. Sa Diyos sila aasa at hindi sa tao. At ang mga Israelitang naiwan sa mga bansa ay magiging parang leon na maghahanap ng pagkain sa kagubatan. Lulusubin nila ang mga kawan ng tupa, at lalapain sila; walang sinumang makakapagligtas sa mga tupa. Sasakupin at papatayin ng Israel ang kanyang mga kaaway. “At sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh, “aalisan ko kayo ng mga kabayo at sisirain ko ang inyong mga karwahe. Gigibain ko ang inyong mga lunsod at ibabagsak ang matitibay ninyong tanggulan. Wawasakin ko ang inyong mga agimat at mawawala na rin ang mga manghuhula. Wawasakin ko ang inyong mga diyus-diyosan at mga haliging itinuturing ninyong sagrado, at hindi na kayo sasamba sa ginawa ng inyong mga kamay. Dudurugin ko rin ang inyong mga diyus-diyosang Ashera at iguguho ang inyong mga lunsod. Ibabagsak ko sa inyo ang aking poot, at isasagawa ang aking paghihiganti sa mga bansang hindi sumunod sa akin.” Pakinggan ninyo ang paratang ni Yahweh laban sa Israel. Tumayo kayo, O Yahweh, at ilahad ninyo ang inyong paratang. Hayaan ninyong marinig ng mga bundok at ng mga burol ang inyong sasabihin. Mga bundok, mga di natitinag na pundasyon ng daigdig, pakinggan ninyo ang paratang ni Yahweh laban sa Israel na kanyang bayan. Sinabi niya, “Bayan ko, sagutin ninyo ako. Ano ba ang nagawa ko sa inyo? Paano ba ako naging pabigat sa inyo? Inilabas ko kayo sa lupain ng Egipto at tinubos sa pagkaalipin. Isinugo ko sa inyo sina Moises, Aaron at Miriam upang kayo'y pangunahan. Bayan ko, gunitain ninyo ang plano ni Balac na hari ng Moab, at ang tugon sa kanya ni Balaam na anak ni Beor, at ang nangyari mula sa Sitim hanggang sa Gilgal. Alalahanin ninyo ang mga ito at malalaman ninyo ang ginawa ni Yahweh upang iligtas kayo.” Ano ang dapat kong dalhin sa aking pagsamba kay Yahweh, ang Diyos ng kalangitan? Magdadala ba ako ng guyang isang taon ang gulang bilang handog na sinusunog sa kanyang harapan? Malugod kaya siya kung handugan ko ng libu-libong tupa o umaapaw na langis ng olibo? Ihahandog ko ba sa kanya ang aking anak na panganay, ang laman ng aking laman, bilang kabayaran ng aking mga kasalanan? Itinuro na niya sa iyo, kung ano ang mabuti. Ito ang nais ni Yahweh: Maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod ka sa iyong Diyos. Mainam ang magkaroon ng takot kay Yahweh. Ito ang kanyang panawagan sa lunsod: “Makinig kayo, bayang nagtitipun-tipon sa lunsod! Sa mga bahay ng masasamang tao ay matatagpuan ang mga kayamanang nakuha nila sa masamang paraan. Gumagamit sila ng madayang takalan na aking kinasusuklaman. Mapapatawad ko ba ang mga taong gumagamit ng madayang timbangan? Mapang-api ang inyong mayayaman, at kayong lahat ay sinungaling. Ang kanilang dila'y mahusay sa panlilinlang. Kaya't sinimulan ko na ang inyong pagbagsak at pagkawasak dahil sa inyong mga kasalanan. Kayo'y kakain ngunit hindi mabubusog, sa halip; gutom pa rin ang inyong madarama. Mag-iimpok kayo ngunit wala ring mangyayari, at ang inyong inipon ay masisira sa digmaan. “Kayo'y maghahasik subalit hindi mag-aani. Magpipisa kayo ng olibo ngunit hindi makikinabang sa langis nito. Magpipisa kayo ng ubas ngunit hindi makakatikim ng alak na katas nito. Mangyayari ito dahil sumunod kayo sa masasamang gawain ni Haring Omri at ng kanyang anak na si Haring Ahab. Ipinagpatuloy ninyo ang kanilang mga patakaran kaya't wawasakin ko kayo at hahamakin kayo ng lahat. Kukutyain kayo ng lahat ng bansa.” Nakakalungkot ang nangyari. Ang katulad ko'y isang taong gutom. Naghahanap ng bungangkahoy ngunit walang makita ni isa man. Wala ni isang ubas o kaya'y isang igos na labis kong kinasasabikan. Wala nang natirang matapat sa Diyos sa lupain. Wala nang matuwid. Ang lahat ay nag-aabang ng mapapatay. Bawat isa'y naghahanda ng bitag laban sa kanyang kababayan. Bihasa sila sa paggawa ng kasamaan, ang pinuno at ang hukom ay humihingi ng suhol. Kasabwat nila sa paggawa ng masama ang mga kinikilalang tao ng bansa. Ang pinakamabuti sa kanila'y parang dawag, parang tinik. Dumating na ang araw ng pagpaparusa sa kanilang mga bantay. Nalalapit na ang araw ng pagkapahiya. Huwag kang magtiwala sa kapwa mo o sa iyong kaibigan. Huwag mong isisiwalat ang iyong lihim kahit sa iyong asawa. Lalapastanganin ng anak na lalaki ang kanyang ama, at lalabanan ng anak na babae ang kanyang ina. Aawayin ng manugang na babae ang kanyang biyenang babae. Ang kaaway ng isang tao'y ang kanya mismong kasambahay. Ngunit para sa akin, kay Yahweh ako mananalig. Hihintayin kong may pagtitiwala ang Diyos na magliligtas sa akin at ako'y kanyang diringgin. Mga kaaway ko, huwag kayong magalak dahil sa nangyari sa akin! Kung ako ma'y nadapa, muli akong babangon. Kung ako ma'y nasa kadiliman, tatanglawan ako ngayon ni Yahweh. Titiisin ko ang galit niya sapagkat nagkasala ako sa kanya. Magtitiis ako hanggang sa ipagtanggol niya ako at bigyan ng katarungan. Dadalhin niya ako sa kaliwanagan at makikita ko ang kanyang pagliligtas. Ito'y makikita ng aking kaaway, at mapapahiya siya na nagsabi sa akin, “Nasaan si Yahweh na iyong Diyos?” Makikita ko naman ang kanyang pagbagsak, at niyuyurakan siyang parang putik sa lansangan. Mga taga-Jerusalem, darating ang araw na itatayong muli ang inyong mga pader at lalong lalawak ang inyong nasasakupan. Sa araw na iyon ay babalik sa inyo ang mga tao buhat sa Asiria sa silangan hanggang sa Egipto, sa timog; buhat sa dakong ang hangganan ay ang Ilog Eufrates, mula sa malalayong dagat, at kabundukan. Ngunit magiging disyerto ang lupa dahil sa masasamang gawain ng mga naninirahan doon. Yahweh, patnubayan mong gaya ng isang pastol ang iyong bayan, ang bayan na iyong pinili. Bagama't sila'y nag-iisa sa ilang, napapalibutan naman sila ng masasaganang lupain. Hayaan mo silang manirahan at manginain sa sariwang pastulan ng Bashan at Gilead gaya noong unang panahon. Magpakita ka sa amin ng mga kamangha-manghang bagay tulad noong ilabas mo sa Egipto ang iyong bayan. Ito'y makikita ng mga bansa at sila'y mapapahiya sa kabila ng kanilang lakas. Mapapahiya sila at matitigilan. Tatakpan nila ang kanilang mga bibig at mga tainga. Gagapang silang parang mga ahas; nanginginig silang lalabas mula sa kanilang mga tanggulan. Takot na lalapit sila kay Yahweh na ating Diyos. Wala nang ibang diyos na tulad mo, O Yahweh. Pinapatawad mo ang mga kasalanan ng mga nakaligtas sa bayan mong pinili. Hindi nananatili ang iyong galit magpakailanman. Sa halip ay ipinadarama mo sa kanila ang tapat mong pag-ibig. Muli mo kaming kaaawaan. Tatapakan mo ang aming mga kasalanan at ihahagis sa kalaliman ng dagat. Patunayan mo ang iyong katapatan sa bayan ni Jacob at ang iyong pag-ibig sa angkan ni Abraham, gaya ng iyong ipinangako sa aming mga ninuno mula pa noong unang panahon. Ang aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Yahweh patungkol sa Nineve sa pamamagitan ni Nahum na isang taga-Elcos. Si Yahweh ay Diyos na mapanibughuin at mapaghiganti; si Yahweh ay naghihiganti at napopoot. Si Yahweh ay Diyos na mapanibughuin; kanyang mga kaaway, kanyang pinaparusahan. Si Yahweh ay hindi madaling magalit subalit dakila ang kanyang kapangyarihan; at tiyak na mananagot ang sinumang sa kanya'y kumalaban. Bagyo at ipu-ipo ang kanyang dinaraanan; ang mga ulap ay kagaya lamang ng alikabok sa kanyang mga paa. Sa utos lamang niya'y natutuyo ang dagat, gayundin ang mga ilog. Natitigang ang kabukiran ng Bashan at ang Bundok Carmel, at nalalanta ang mga bulaklak ng Lebanon. Nayayanig sa harapan niya ang mga bundok, at gumuguho ang mga burol; ang lupa'y nayayanig sa presensya ni Yahweh, at nanginginig ang daigdig, gayundin ang lahat ng naninirahan rito. Sino ang makakaligtas sa galit ni Yahweh? Sino ang makakatagal sa kanyang matinding poot? Bumubugang parang apoy ang kanyang poot. Batong malalaki ay nadudurog dahil sa kanyang galit. Si Yahweh ay napakabuti; matibay na kanlungan sa panahon ng kaguluhan. Mga nananalig sa kanya'y kanyang inaalagaan. Tulad ng malaking baha, lubos niyang pupuksain ang kanyang mga kaaway, at tutugisin sila hanggang mamatay. Ano ang binabalak ninyo laban kay Yahweh? Wawasakin niya ang kanyang mga kaaway, at ang paghihiganti nila'y di na mauulit pa. Tulad ng mga lasenggo, sila'y malulunod sa alak; tulad ng sala-salabat na mga tinik at tuyong dayami, kayo ay matutupok sa apoy. Di ba sa inyo nagmula ang taong nagbalak ng masama at nanghikayat na magtaksil sa kanya? Sabi niya sa kanyang bansang Israel, “Kahit na malakas at marami ang mga taga-Asiria, mawawasak sila at maglalaho. Kahit na pinahirapan ko kayo noon, ito'y hindi ko na uulitin. At ngayon nga, wawakasan ko na ang pagpapahirap sa inyo ng Asiria at palalayain ko na kayo sa pagkaalipin.” Ito ang pahayag ni Yahweh tungkol sa Asiria: “Malilipol ang lahi ninyo, wala nang magdadala ng inyong pangalan; aalisin ko sa mga templo ng inyong mga diyos ang mga imahen na nililok ng kamay. Ipaghahanda ko kayo ng libingan sapagkat wala kayong karapatang mabuhay.” Masdan mo't dumarating na mula sa kabundukan ang tagapaghatid ng Magandang Balita! Nasa daan na siya upang ipahayag ang kapayapaan. Ipagdiwang ninyo, mga taga-Juda ang inyong mga kapistahan, at tuparin ninyo sa Diyos ang mga ipinangako ninyo sa kanya. Hindi na kayo muling sasakupin ng masasama sapagkat lubusan na silang nawasak. Nineve, sinasalakay na kayo! Dumating na ang kapangyarihang wawasak sa inyo. Bantayan ninyo ang mga pader at ang daan! Maghanda kayo para sa labanan! Sapagkat papanumbalikin na ni Yahweh ang kadakilaan ng Israel, gaya noong panahong hindi pa sila nilulusob ng mga kaaway. Naghahanda na silang sumalakay, pula ang mga kalasag ng mga kawal, at pula rin ang kanilang kasuotan. Nagliliyab na parang apoy ang kanilang mga karwahe! Rumaragasa ang kanilang mga kabayong pandigma. Ang mga karwahe'y humahagibis sa mga lansangan, paroo't parito sa mga liwasan; parang naglalagablab na sulo ang mga ito, at gumuguhit na parang kidlat. Pagtawag sa mga pinuno'y nagkakandarapa sila sa paglapit. Nagmamadali nilang tinungo ang pader na tanggulan, upang ilagay ang pananggalang laban sa mantelet. Nabuksan na ang mga pintuan sa ilog, at ang mga tao sa palasyo ay nanginginig sa takot. Ang reyna ay dinalang-bihag, kaya't dinadagukan ng mga lingkod ang kanilang dibdib. Sila'y nag-iiyakan, gaya ng mga kalapating nananaghoy. Tulad ng tubig sa isang lawa na wasak ang pampang, ang mga tao'y mabilis na tumatakas mula sa Nineve. “Huminto kayo!” ang sigaw nila, ngunit kahit isa ay wala man lang lumingon. Samsamin ang pilak! Samsamin ang ginto! Ang lunsod ay puno ng kayamanan! Wasak na ang Nineve! Iniwan na ng mga tao at ngayo'y mapanglaw na. Ang mga tao'y nasisindak, nanginginig ang mga tuhod; wala nang lakas, at putlang-putla sa takot. Wala na ang lunsod na parang yungib ng mga leon, ang dakong tirahan ng mga batang leon. Wala na rin ang dakong pinagtataguan ng inahing leon, ang lugar kung saan ligtas ang kanyang mga anak. Pinatay na ng leon ang kanyang biktima at nilapa ito para sa kanyang asawa at mga anak; napuno ng nilapang hayop ang kanyang tirahan. “Ako ang kalaban mo,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. “Susunugin ko ang iyong mga karwahe at mamamatay sa digmaan ang mga kawal mo. Kukunin ko sa iyo ang lahat ng iyong sinamsam sa iba. Ang tinig ng iyong mga sugo ay hindi na maririnig kailanman.” Tiyak na ang iyong pagkawasak! Lunsod ng mga sinungaling at mamamatay-tao, puno ng kayamanang mananakaw at masasamsam. Lumalagapak ang mga latigo, dumadagundong ang mga gulong, humahagibis ang mga kabayo, rumaragasa ang mga karwahe! Sumusugod ang mga mangangabayo, kumikinang ang kanilang espada, kumikislap ang dulo ng sibat! Nakabunton ang mga bangkay, di mabilang ang mga patay, sa mga ito'y natatalisod ang mga nagdaraan! Ang Nineve ay katulad ng isang mahalay na babae, mapanukso at puno ng kamandag. Binighani niya ang ibang mga bansa at inalipin ang mga ito. Sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Paparusahan kita, Nineve! Huhubaran kita nang makita ka ng ibang mga bansa. Dahil dito'y mapapahiya ka. Tatabunan kita ng dumi, at gagawing hamak. Mandidiri sa iyo ang mga tao. Lalayuan ka ng lahat ng makakakita sa iyo. Sasabihin nila, ‘Wasak na ang Nineve! Sino ang magmamalasakit sa kanya? Sino ang aaliw sa kanya?’” Nakahihigit ka ba sa Tebez? Siya rin naman ay may ilog na nakapalibot gaya ng isang pader, ang Ilog Nilo na kanyang tanggulan. Pinangunahan niya ang Etiopia at Egipto, walang hanggan ang kanyang kapangyarihan; ang Libya ay kapanalig ng Tebez. Gayunma'y dinala siyang bihag ng kanyang kaaway. Ipinaghampasan sa mga panulukang daan ang kanilang mga anak. Ginapos ng tanikala ang magigiting nilang lalaki, at ang mga ito'y pinaghati-hatian ng mga bumihag sa kanila. Nineve, ikaw man ay malalasing at mahihilo. Sisikapin mo ring tumakas sa iyong mga kaaway. Ang lahat ng iyong kuta ay magiging parang mga puno ng igos na hinog na ang mga bunga. Kapag inuga ang mga puno, malalaglag ang mga bunga sa mismong bibig ng gustong kumain. Parang mga babae ang iyong mga hukbo, at ang iyong bansa ay hindi kayang magtanggol laban sa kaaway. Lalamunin ng apoy ang mga panara sa iyong mga pintuan. Mag-ipon ka na ng tubig para sa panahon ng pagkubkob sa iyo. Tibayan mo ang iyong mga tanggulan. Simulan mo na ang pagmamasa ng luwad, at hulmahin ang mga tisa. Anuman ang gawin mo, matutupok ka pa rin at mamamatay sa labanan. Malilipol ka tulad ng pananim na kinain ng mga balang. Magpakarami kang gaya ng mga balang! Pinarami mo ang iyong mangangalakal; higit pa sila sa mga bituin sa kalangitan! Ngunit wala na sila ngayon, tulad ng mga balang na nagbubuka ng kanilang mga pakpak upang lumipad palayo. Ang mga pinuno mo ay parang mga balang, na nakadapo sa mga pader kung malamig ang panahon, ngunit nagliliparan pagsikat ng araw, at walang nakakaalam kung saan sila pupunta. Ang mga pinuno mo'y patay na, Asiria, gayon din ang iyong mga maharlika. Nagkalat sa parang ang iyong mamamayan at walang magtipon sa kanila. Wala man lang gumamot sa iyong sugat na malubha at nagnanaknak. Lahat ng makabalita sa sinapit mo ay natutuwa't pumapalakpak, sapagkat ginawan mo silang lahat nang napakasama. Ang aklat na ito ay naglalaman ng pahayag ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Habakuk. O Yahweh, hanggang kailan ako hihingi ng tulong sa inyo, bago ninyo ako dinggin, bago ninyo ako iligtas sa karahasan? Bakit puro kaguluhan at kasamaan ang ipinapakita mo sa akin? Sa magkabi-kabila'y nagaganap ang pagwasak at ang karahasan; laganap ang karahasan at ang labanan. Ang batas ay walang bisa at walang pakinabang, at hindi umiiral ang katarungan. Sa husgado ay laging natatalo ng masasama ang walang kasalanan, kaya't nababaluktot ang katarungan. Pagkatapos ay sinabi ni Yahweh sa kanyang bayan, “Masdan mo ang mga bansang nakapalibot sa iyo at mamamangha ka at magugulat sa iyong makikita. Hindi magtatagal at mayroon akong gagawing hindi mo paniniwalaan kapag nabalitaan mo. Papalakarin ko sa kapangyarihan ang mga taga-Babilonia— ang bansang kilala sa kalupitan at karahasan. Sinasalakay nila ang lahat ng dako ng daigdig upang sakupin ang lupaing hindi kanila. Naghahasik sila ng takot at sindak; ipinagmamapuri nila na sila mismo ang batas. Ang mga kabayo nila'y mas mabibilis kaysa mga leopardo, mas mababangis kaysa mga asong-gubat pagsapit ng gabi. Ang kanilang mga mangangabayo ay rumaragasa mula sa malalayong lupain; para silang mga agila na dumadagit sa kanilang biktima. Ang kanilang mga hukbo ay marahas na sumasalakay, at lahat ay nasisindak habang sila'y nananakop. Di mabilang na parang buhangin ang kanilang mga bihag. Hinahamak nila ang mga hari, at walang pinunong iginagalang. Pinagtatawanan lamang nila ang bawat muog, sapagkat ito'y kanilang nilulusob at madaling nakukuha. Pagkatapos ay nagpapatuloy silang parang malakas na hangin; walang dinidiyos kundi ang sarili nilang lakas.” O Yahweh, kayo ay Diyos na walang hanggan. Kayo ang aking Diyos, banal at magpakailanman. O Yahweh, aking Diyos at tanggulan, pinili ninyo ang mga taga-Babilonia at sila'y inyong pinalakas. O Batong matibay, inilagay mo sila upang kami'y pahirapan, upang kami'y parusahan. Ngunit paano ninyo natitiis ang mga taksil at masasamang taong ito? Napakabanal ng inyong paningin upang masdan ang kasamaan. Hindi ninyo matitiis ang mga taong gumagawa ng mali. Bakit hindi kayo kumikibo gayong pinupuksa nila ang mga taong higit na mabuti kaysa kanila? Itinuturing mo ang mga tao na gaya ng mga isda, o gaya ng mga kulisap na walang mangunguna sa kanila. Binibingwit sila ng mga taga-Babilonia na wari'y isda. Itinataboy nila ang mga ito sa mga lambat, at pagkatapos ay nagsisigawan sa galak! Kaya't sinasamba pa nila ang kanilang mga lambat, at nag-aalay ng mga handog; sapagkat ito ang nagbibigay sa kanila ng karangyaan. Patuloy ba nilang gagamitin ang kanilang tabak at walang awang pupuksain ang mga bansa? Aakyat ako sa bantayan at hihintayin ang sasabihin ni Yahweh sa akin, at ang tugon niya sa aking daing. Ito ang tugon ni Yahweh: “Isulat mo nang malinaw sa mga tapyas ng bato ang pangitaing ipahahayag ko sa iyo, upang sa isang sulyap ay mabasa agad at maipabatid ito. Isulat mo ito sapagkat hindi pa panahon upang ito ay maganap. Ngunit mabilis na lilipas ang panahon, at mangyayari ang ipinakita ko sa iyo. Bagama't parang mabagal ito, hintayin mo. Tiyak na mangyayari at hindi maaantala ito. Ito ang mensahe: “Ang hambog ay mabibigo sa kanyang pagmamataas, ngunit ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.” Ang kayamanan ay mandaraya. Ang ganid sa salapi ay hindi makukuntento. Ang kanyang katakawan ay kasinlawak ng libingan, tulad ng kamatayan na walang kasiyahan. Kaya sinasakop niya ang mga bansa, upang maging kanya ang mga mamamayan. Darating ang araw na hahamakin ng mga nasakop ang mga sumakop sa kanila. Sasabihin nila, “Kinuha ninyo ang hindi sa inyo, kaya't kayo'y mapapahamak! Hanggang kailan pa kayo magpapayaman, habang pinipilit na magbayad ang mga may utang sa inyo?” Biglang darating ang panahon na kayo naman ang mangungutang, at pipiliting magbayad ng interes. Darating ang inyong kaaway at sisindakin kayo. Pagnanakawan nila kayo! Sinalanta ninyo ang maraming bansa, iyan din ang gagawin sa inyo ng mga nakaligtas. Uusigin kayo dahil sa dugong inyong pinadanak, dahil sa inyong karahasan sa mga tao, sa daigdig at sa mga lunsod nito. Mapapahamak kayong mga nagpayaman ng inyong pamilya sa pamamagitan ng inyong mga ninakaw. Ngayo'y nagsisikap kayong ilayo sa kapahamakan at panganib ang inyong sambahayan. Ang inyong mga pagbabalak ang nagbigay ng kahihiyan sa inyong sambahayan. Winasak ninyo ang maraming bansa, kaya kayo naman ngayon ang wawasakin. Sisigaw laban sa inyo ang mga bato ng pader, at aalingawngaw sa buong kabahayan. Mapapahamak kayo! Nagtatag kayo ng lunsod sa pamamagitan ng kasamaan; itinayo ninyo ang bayan sa pamamagitan ng pagpatay. Ang mga sinakop ninyong bansa ay nagpakahirap sa walang kabuluhan, at lahat ng itinayo nila ay natupok sa apoy. Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang gumawa nito. Subalit ang buong mundo ay mapupuno ng mga taong kumikilala at dumadakila kay Yahweh, kung paanong ang karagatan ay napupuno ng tubig. Mapapahamak kayo! Pinainom ninyo ang inyong mga kalapit bansa, ng alak na tanda ng inyong pagkapoot. Nilasing ninyo sila at hiniya, nang inyong titigan ang kanilang kahubaran. Malalagay rin kayo sa kahihiyan at hindi sa karangalan. Iinom din kayo at malalasing. Ipapainom sa inyo ni Yahweh ang inyong kaparusahan, at ang inyong karangalan ay magiging kahihiyan. Hinubaran ninyo ang kagubatan ng Lebanon; ngayon, kayo naman ang huhubaran. Pinatay ninyo ang mga hayop doon; ngayo'y kayo naman ang sisindakin nila. Uusigin kayo dahil sa dugong inyong pinadanak, dahil sa inyong karahasan sa mga tao, sa daigdig at sa mga lunsod nito. Ano ang kabuluhan ng diyus-diyosan? Tao lamang ang gumawa nito, at pawang kasinungalingan ang sinasabi nito. Ano ang ginagawa nitong mabuti upang pagkatiwalaan ng gumawa? Ito ay isang diyos na hindi man lang makapagsalita. Mapapahamak kayo! Ginigising ninyo ang isang pirasong kahoy! Pinababangon ninyo ang isang bato! May maipapahayag ba sa inyo ang isang diyus-diyosan? Maaaring ito'y nababalot sa pilak at ginto, ngunit wala naman itong buhay. Si Yahweh ay nasa kanyang banal na templo, tumahimik ang lahat sa harapan niya. Manahimik ang buong sanlibutan sa kanyang presensya. Ito ay panalangin ni Propeta Habakuk: O Yahweh, narinig ko ang tungkol sa inyong ginawa, at ako'y lubos na humanga. Ulitin ninyo ngayon sa aming panahon ang mga dakilang bagay na ginawa ninyo noon. Maging mahabagin kayo, kahit kapag kayo'y nagagalit. Ang Diyos ay muling nanggaling sa Teman, ang Banal na Diyos ay nagmula sa kaparangan ng Paran. Laganap sa kalangitan ang kanyang kaluwalhatian, at puno ang lupa ng papuri sa kanya. Darating siyang sinliwanag ng kidlat, na gumuguhit mula sa kanyang kamay; at doon natatago ang kanyang kapangyarihan. Nagpapadala siya ng karamdaman at inuutusan ang kamatayan upang sumunod sa kanya. Huminto siya at nayanig ang lupa; sa kanyang sulyap ay nanginginig ang mga bansa. Ang mga walang hanggang bundok ay sumasambulat; ang walang hanggang kaburulan ay lumulubog— mga daang nilakaran niya noong unang panahon. Nakita kong natakot ang mga tao sa Cusan, at nanginig ang lahat sa lupain ng Midian. Nagagalit ba kayo dahil sa mga ilog, O Yahweh? Ang mga dagat ba ang sanhi ng inyong poot? Nakasakay kayo sa inyong mga kabayo, at magtatagumpay na lulan ng iyong karwahe, habang pinagtatagumpay ninyo ang inyong bayan. Binunot ninyo sa suksukan ang inyong pana, at inihanda ang inyong mga palaso. Biniyak ng inyong kidlat ang lupa. Nakita kayo ng mga bundok at sila'y nanginig; bumuhos ang malakas na ulan. Umapaw ang tubig mula sa kalaliman, at tumaas ang along naglalakihan. Ang araw at ang buwan ay huminto dahil sa bilis ng inyong pana at sibat. Galit na galit kayong naglakad sa buong daigdig, at sa tindi ng poot ninyo, ang mga bansa ay niyurakan. Lumabas kayo para iligtas ang inyong bayan, at ang haring pinili ninyo. Dinurog ninyo ang pinuno ng masasama, at nilipol na lahat ang kanyang tagasunod. Sinibat ninyo ang pinuno ng mga mandirigma, nang dumating sila na parang ipu-ipo upang kami'y pangalatin. Kagalakan nilang sakmalin nang palihim ang mga dukha. Niyurakan ninyo ang dagat sa pamamagitan ng inyong mga kabayo, at bumula ang malawak na karagatan. Narinig kong lahat ito at ako'y nanginig; nangatal ang aking mga labi dahil sa takot. Nanghina ang aking katawan, at ako'y nalugmok. Tahimik kong hihintayin ang takdang panahon ng pagpaparusa ng Diyos sa mga umapi sa amin. Bagama't di namumunga ang puno ng igos at hindi rin namumunga ang mga ubas, kahit na maantala ang pamumunga ng olibo at walang anihin sa mga bukirin, kahit na mamatay lahat ang mga tupa at mawala ang mga baka sa kulungan, magagalak pa rin ako at magsasaya, dahil si Yahweh ang Diyos na magliligtas sa akin. Ang Panginoong Yahweh ang sa aki'y nagpapalakas. Tulad ng usa, tiyak ang aking mga hakbang, inaalalayan niya ako sa mga kabundukan. Ang aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Zefanias, anak ni Cusi at apo ni Gedalias; si Gedalias ay anak ni Amarias at apo ni Hezekias. Tinanggap ni Zefanias ang pahayag na ito nang si Josias na anak ni Ammon ang hari sa Juda. “Wawasakin ko ang lahat ng bagay sa balat ng lupa,” sabi ni Yahweh. “Pupuksain ko ang lahat ng tao at hayop; papatayin ko ang mga ibon sa himpapawid at ang mga isda sa dagat. Ibabagsak ko ang masasama; lilipulin ko ang sangkatauhan sa balat ng lupa,” sabi ni Yahweh. “Paparusahan ko ang lahat ng mamamayan ng Juda at ng Jerusalem. Wawasakin ko rin sa dakong ito ang mga nalalabing bakas ng pagsamba kay Baal at lubusan nang malilimutan ang mga paring naglilingkod sa mga diyus-diyosan. Kabilang dito ang mga umaakyat sa kanilang bubungan upang sumamba sa araw, sa buwan at sa mga bituin. Ang mga taong kunwa'y nanunumpa sa pangalan ni Yahweh ngunit sa pangalan naman pala ni Milcom; silang mga tumalikod na sa paglilingkod kay Yahweh at hindi na humihingi ng patnubay sa kanya.” Tumahimik kayo sa harapan ng Panginoong Yahweh! Sapagkat malapit nang dumating ang araw ni Yahweh. Inihanda na niya ang kanyang bayan upang ialay, at inanyayahan niya ang kanyang mga panauhin upang wasakin ang Juda. Sa araw na iyon, sasabihin ni Yahweh, “Paparusahan ko ang mga pinuno at ang mga anak ng hari, gayundin ang lahat ng tumutulad sa pananamit ng mga dayuhan. Paparusahan ko rin ang mga sumasamba sa mga diyus-diyosan, gayundin ang mga nagnanakaw at pumapatay upang may mailagay lamang sa bahay ng kanilang panginoon.” Sinabi rin ni Yahweh, “Sa araw na iyon, maririnig ang malakas na pagtangis ng mga tao sa pintuang tinatawag na Isda, mga panaghoy mula sa bagong bahagi ng lunsod, at malalakas na ingay dahil sa pagguho ng mga gusali sa mga burol. Tumangis kayo, mga naninirahan sa mababang lugar ng lunsod! Patay nang lahat ang mga mangangalakal; ang mga nagtitimbang ng pilak ay wala na. “Sa panahong iyon ay gagamit ako ng ilawan upang halughugin ang Jerusalem. Paparusahan ko ang mga taong labis na nagtitiwala sa sarili at nagsasabing, ‘Si Yahweh ay walang gagawin para sa ating ikabubuti o ikasasamâ.’ Sasamsamin ang kanilang kayamanan, at sisirain ang kanilang mga bahay. Magtatayo sila ng mga bahay ngunit hindi nila matitirhan; magtatanim sila ng mga ubas ngunit hindi sila makakatikim ng alak nito.” Malapit na ang dakilang araw ni Yahweh, at ito'y mabilis na dumarating. Kapaitan ang dulot ng araw na iyon; maging ang matatapang ay iiyak nang malakas. Iyon ay araw ng poot, ligalig at dalamhati, araw ng pagkasira at pagkawasak, araw ng kadiliman at kalungkutan, araw ng maitim at makakapal na ulap. Araw ng pagtunog ng trumpeta at ng sigawan ng mga sumasalakay sa mga napapaderang lunsod at nagtataasang tore. Padadalhan ko ng matinding kalungkutan ang mga tao; lalakad sila na parang bulag, sapagkat nagkasala sila laban kay Yahweh. Mabubuhos na parang tubig ang kanilang dugo, at mangangalat ang kanilang bangkay na parang basura. Hindi sila maililigtas ng kanilang pilak o ginto sa araw ng poot ni Yahweh. Matutupok sa apoy ng kanyang mapanibughuing poot ang buong daigdig, sapagkat bigla niyang wawasakin ang lahat ng naninirahan sa lupa. Magtipun-tipon kayo at magpulong, bansang walang-hiya! Bago kayo ipadpad na gaya ng ipang tinatangay ng hangin, bago ninyo lasapin ang matinding galit ni Yahweh, bago dumating sa inyo ang araw ng kanyang poot. Manumbalik kayo kay Yahweh, kayong mapagpakumbabá, kayong sumusunod sa kanyang kautusan. Gawin ninyo ang tama at kayo'y magpakumbabá kay Yahweh, baka sakaling kayo'y makaligtas sa parusa sa araw na iyon! Walang matitira sa lunsod ng Gaza, at walang matitira sa lunsod ng Ashkelon. Ang mga taga-Asdod ay palalayasin sa katanghaliang-tapat, at itataboy ang mga taga-Ekron. Kahabag-habag kayong naninirahan sa mga baybay-dagat, kahabag-habag kayo, mga Queretita! Ang salita ni Yahweh ay laban sa iyo, O taga-Canaan, lupain ng mga Filisteo; lilipulin kong lahat ang inyong mga mamamayan. At ang baybay-dagat ay magiging pastulan, tahanan ng mga pastol at silungan ng mga kawan. Ang baybay-dagat ay titirhan ng mga hindi namatay sa lahi ni Juda; doon sila magpapastol, at pagsapit ng gabi, sila'y matutulog sa mga bahay sa Ashkelon. Sapagkat makakasama nila si Yahweh na kanilang Diyos at ibabalik ang kanilang mga kayamanan. “Narinig ko ang pangungutya ng Moab, at ang paghamak ng mga Ammonita; iniinsulto nila ang aking bayan at ipinagmamalaking sasakupin ang kanilang lupain.” Kaya nga't sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng Israel, “Isinusumpa kong mawawasak ang Moab tulad ng Sodoma, at ang Ammon, tulad ng Gomorra. Ang lupain nila'y mapupuno ng dawag, at hindi na ito mapapakinabangan kailanman. Sasamsaman sila ng mga nakaligtas sa aking bayan, at aangkinin ang kanilang lupain.” Ito ang parusa sa kanilang kapalaluan, at sa paghamak nila sa bayan ni Yahweh. Sisindakin sila ni Yahweh. Pawawalang-kabuluhan niya ang mga diyus-diyosan ng sanlibutan; at siya ang sasambahin ng lahat ng bansa, sa kani-kanilang lupain. Kayong mga taga-Etiopia ay mamamatay rin sa digmaan. Sa kapangyarihan ni Yahweh ay wawasakin ang Asiria; ibabagsak niya ang Nineve, at ito'y matutulad sa isang disyerto. Maninirahan dito ang mga kawan, at ang lahat ng uri ng mga hayop sa parang. Ang mga buwitre ay magpupugad sa mga sirang haligi at huhuni ang mga kuwago sa may tapat ng bintana; gayundin ang mga uwak sa may pintuan, sapagkat malalantad ang mga kahoy na sedar. Ito ang mangyayari sa palalong lunsod na hindi nababahala, at nagsasabing, “Wala nang hihigit pa sa akin!” Anong laking kasawian ang kanyang sinapit; naging tirahan siya ng mababangis na hayop! Kukutyain siya at pandidirihan ng lahat ng magdaraan doon. Mapapahamak ang mapaghimagsik na lunsod ng Jerusalem, punung-puno ng mga makasalanan at ng mga pinunong mapang-api. Hindi ito sumusunod kay Yahweh at ayaw tumanggap ng kanyang pagtutuwid. Wala itong tiwala sa kanya, at ayaw nitong lumapit sa Diyos upang humingi ng tulong. Ang kanyang mga pinuno ay parang mga leong umuungal; ang mga hukom nama'y parang mga asong-gubat sa gabi, na sa pagsapit ng umaga'y walang itinitira kahit na buto. Ang kanyang mga propeta ay di mapagkakatiwalaan at mapanganib; ang kanyang mga pari ay lapastangan sa mga bagay na sagrado; at binabaluktot ang kautusan para sa kanilang kapakinabangan. Ngunit nasa lunsod pa rin si Yahweh; doo'y pawang tama ang kanyang ginawa at kailanma'y hindi siya nagkakamali. Araw-araw ay walang tigil niyang ipinapakita ang kanyang katarungan sa kanyang bayan, ngunit hindi pa rin nahihiya ang masasama sa paggawa ng kasalanan. “Nilipol ko na ang mga bansa; winasak ko na ang kanilang mga tore at kuta. Sinira ko na ang kanilang mga lansangan, kaya't wala ni isa mang doo'y dumaraan. Giba na ang mga lunsod nila, wala nang naninirahan doon,” sabi ni Yahweh. Kaya't nasabi ko, “Tiyak na matatakot na siya sa akin, tatanggap na siya ng aking pagtutuwid. Hindi na niya ipagwawalang-bahala ang mga paalala ko. Ngunit lalo pa siyang nasabik gumawa ng masama.” “Kaya't hintayin ninyo ako,” sabi ni Yahweh, “hintayin ninyo ang araw ng aking pag-uusig. Sapagkat ipinasya kong tipunin, ang mga bansa at ang mga kaharian, upang idarang sila sa init ng aking galit, sa tindi ng aking poot; at ang buong lupa ay matutupok sa apoy ng aking poot. “Oo, sa panahong iyon ay babaguhin ko ang pananalita ng mga tao, at bibigyan ko sila ng dilang malinis, upang sa kay Yahweh lamang manalangin at sumamba at buong pagkakaisang maglingkod sa kanya. Mula sa kabilang panig ng mga ilog ng Etiopia, ang aking nangalat na bayan, ay sasamba sa akin at magdadala ng kanilang handog. “Sa araw na iyon ay hindi na kayo mapapahiya sa ginawa ninyong paghihimagsik sa akin, sapagkat aalisin ko ang mga mapagmataas, at hindi na kayo maghihimagsik sa aking banal na bundok. Iiwan ko roon ang mga taong mapagpakumbabá; lalapit sila sa akin upang magpatulong. Hindi na gagawa ng kasamaan ang mga nakaligtas sa Israel; hindi na sila magsisinungaling ni mandaraya man. Uunlad ang kanilang buhay at magiging panatag; wala na silang katatakutan.” Umawit ka nang malakas, Lunsod ng Zion! Sumigaw ka, Israel! Magalak ka ng buong puso, Lunsod ng Jerusalem! Ang iyong kaparusahan ay inalis na ni Yahweh, at pinalayas na niya ang iyong mga kaaway. Nasa kalagitnaan mo si Yahweh, ang Hari ng Israel, wala nang kasawiang dapat pang katakutan. Sa araw na iyon ay sasabihin sa Jerusalem, “Huwag kang matakot, Zion; huwag kang panghinaan ng loob. Nasa piling mo si Yahweh na iyong Diyos, at ang kanyang kapangyarihan ang magbibigay sa iyo ng tagumpay. Siya ay magagalak sa iyo at ang pag-ibig niya ang magbibigay sa iyo ng bagong buhay. Masaya siyang aawit sa laki ng kagalakan, gaya ng nagdiriwang sa isang kapistahan. Ililigtas kita sa iyong kapahamakan, upang huwag mo nang maranasan ang kahihiyan. Sa panahong iyon ay haharapin ko ang mga umapi sa iyo. Titipunin ko ang mga itinakwil, papalitan ko ng karangalan ang kanilang mga kahihiyan, at gagawin ko silang tanyag sa buong daigdig. Sa panahong iyon, kayo'y aking titipunin at ibabalik sa inyong tahanan. Gagawin ko kayong bantog sa buong daigdig, at muli kong ibabalik ang inyong kayamanan at kasaganaan.” Si Yahweh ang nagsabi nito. Ang aklat na ito ay naglalaman ng mga pahayag ni Yahweh sa pamamagitan ni Hagai. Noong ikalawang taon ng paghahari ni Haring Dario sa Persia, noong unang araw ng ikaanim na buwan, si Yahweh ay nangusap kay Hagai para kay Zerubabel na gobernador ng Juda, anak ni Sealtiel, at sa pinakapunong pari na si Josue, anak ni Jehozadak. Ganito ang ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Sinasabi ng mga taong ito na diumano'y hindi pa napapanahon upang itayong muli ang Templo.” Dahil dito, sa pamamagitan ni Propeta Hagai ay sinabi ni Yahweh sa sambayanan, “Tama ba na naninirahan kayo sa mga magaganda at maaayos na bahay ngunit wasak na wasak naman ang aking Templo? Hindi ba ninyo napapansin ang mga nangyayari sa inyo? Marami na kayong naihasik ngunit kaunti lamang ang inyong ani. May mga pagkain nga kayo ngunit kakaunti naman at hindi makabusog. May alak nga kayong naiinom ngunit hindi naman sapat upang magbigay kasiyahan. May damit nga kayong naisusuot ngunit giniginaw pa rin kayo sa taglamig. Kumikita nga ang manggagawa ngunit kinukulang pa rin siya. Alam ba ninyo kung bakit ganyan ang nangyayari? Hindi ako nasisiyahan sa mga ginagawa ninyo. Kaya pumunta kayo sa kagubatan at kumuha ng mga trosong gagamitin sa muling pagtatayo ng Templo upang ako ay masiyahan at doon ay mabigyan ng karangalan.” “Umasa kayong aani ng masagana ngunit kayo'y nabigo. At ang kaunting ani na iniuwi ninyo ay akin pang isinambulat. Ginawa ko iyan sa inyo sapagkat abalang-abala kayo sa pagpapaganda ng inyong mga bahay samantalang ang Templo na aking tahanan ay pinababayaan ninyong wasak. Iyan ang dahilan kaya kahit hamog ay hindi kayo napapatakan, at ang inyong mga pananim ay hindi lumalago. Matinding tagtuyot ang ipinararanas ko sa buong lupain: sa mga kabukiran at kaburulan, sa mga inaning butil, sa mga bagong alak sa lahat ng ani, sa lahat ng tao at hayop, at sa lahat ng pinagpaguran ninyo.” Natakot ang sambayanan kay Yahweh. Kaya't bilang tugon sa ipinasabi nito kay Propeta Hagai, sinunod nina Gobernador Zerubabel na anak ni Sealtiel at ng pinakapunong pari na si Josue, anak ni Jehozadak, gayundin ng buong sambayanang nagbalik mula sa pagkabihag sa Babilonia, ang ipinagagawa sa kanila ni Yahweh na kanilang Diyos. Nalugod siya kaya't sa pamamagitan ni Propeta Hagai ay muli niyang ipinasabi sa sambayanan, “Nangangako akong kayo'y aking papatnubayan.” Simula nga noon, si Yahweh ang nagbigay ng lakas ng loob sa lahat ng nagtatrabaho upang muling itayo ang Templo—hindi lamang ni Zerubabel na gobernador ng Juda at ni Josue na pinakapunong pari, kundi ng buong sambayanang lumaya at nagsibalik mula sa pagkabihag. Sama-sama at tulung-tulong nilang sinimulan ang muling pagtatayo ng Templo ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang kanilang Diyos, noong ikadalawampu't apat na araw ng ikaanim na buwan ng ikalawang taon ng paghahari ni Dario. Noong ikadalawampu't isa ng ikapitong buwan ng taon ding iyon, muling nagsalita si Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Hagai upang ipaabot ang mensaheng ito kay Zerubabel na gobernador ng Juda at kay Josue na pinakapunong pari, gayundin sa buong sambayanan: “Sino sa inyo ang nakakaalala sa maringal na kaningningan ng naunang Templo? Maihahambing ba ninyo ang kagandahan noon sa hitsura ng Templong ito ngayon? Wala itong sinabi sa naunang Templo. Gayunman, magpakatatag kayo. Patuloy ninyong gawin ang Templo sapagkat ako'y kasama ninyo. Nang palayain ko kayo sa Egipto, aking ipinangakong palagi ko kayong papatnubayan. Hanggang ngayon nga'y kasama ninyo ako kaya't wala kayong dapat ikatakot. “Hindi na magtatagal at yayanigin ko ang langit at ang daigdig, ang lupa at ang dagat. Yayanigin ko ang mga bansa at dadalhin ko dito ang kanilang mga kayamanan. Ang Templong ito ay mapupuno ng kanilang mga kayamanan sapagkat ang lahat ng pilak at ginto sa buong daigdig ay akin. Dahil dito, ang bagong Templo ay magiging higit na maganda kaysa doon sa nauna, at sa bagong Templong ito ay mahahayag ang kasaganaan at katiwasayang ipagkakaloob ko sa aking sambayanan.” Ganito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Noong ikadalawampu't apat na araw ng ikasiyam na buwan ng ikalawang taon ng paghahari ni Dario sa Persia, muling nagpahayag kay Hagai si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Sinabi ni Yahweh sa kanya na itanong sa mga pari kung ano ang pasya ng mga ito ukol sa ganitong usapin: “Halimbawa'y may dumampot ng isang piraso ng karneng itinalaga mula sa handog na inialay sa altar at ito'y binalot niya sa kanyang damit. Magiging banal din kaya ang mga pagkaing masaling ng kanyang damit tulad ng tinapay, ulam, alak, langis ng olibo, at iba pang pagkain?” Ang sagot ng mga pari ay “Hindi.” Muling nagtanong si Hagai, “Halimbawa'y naging marumi ang isang tao dahil humipo sa bangkay. Magiging marumi rin ba ang anumang pagkaing masaling niya?” “Oo,” ang sagot ng mga pari. Kaugnay nito, sinabi ni Hagai, “Ganito rin ang kalagayan ng mga tao sa bansang ito sa harapan ni Yahweh, pati na ang bunga ng kanilang mga gawain. Kaya nga't ang lahat ng handog nila sa altar ay marurumi.” Sinabi rin ni Yahweh, “Pag-isipan ninyong mabuti ang mga pangyayaring magaganap sa inyong buhay mula sa araw na ito. Noong hindi pa ninyo nasisimulang gawing muli ang Templo, inaasahan ninyong ang isang buntong trigo ay 200 kilo ngunit iyon pala ay sandaan lamang. Akala ninyo'y sandaang litrong alak ang masasalok sa imbakan ngunit iyon pala'y apatnapu lamang. Sinalanta ko ang inyong mga pananim sa pamamagitan ng mainit na hangin, amag, at pag-ulan ng yelo, gayunma'y hindi pa rin kayo nanumbalik sa akin. Ngayon ay ikadalawampu't apat na araw ng ikasiyam na buwan at ito ang araw na natapos ang pundasyon ng Templo. Bantayan ninyo ang mga susunod na pangyayari. Ubos na ba ang mga pagkaing butil sa kamalig? Wala pa bang bunga ang mga puno ng ubas, ng igos, ng granada, at ng olibo? Huwag kayong mabahala sapagkat mula ngayon ay pagpapalain ko na kayo.” Nang araw ding iyon, ikadalawampu't apat ng buwan, isa pang mensahe ang ibinigay ni Yahweh para kay Hagai upang iparating kay Zerubabel na gobernador ng Juda, “Malapit ko nang yanigin ang langit at ang lupa, pati na ang mga kaharian; wawakasan ko na ang kapangyarihan ng mga ito. Sisirain ko na ang kanilang mga karwahe at papaslangin ang mga nakasakay doon. Mamamatay din ang mga kabayo at magpapatayan ang mga mangangabayo. Pagsapit ng araw na iyon, kukunin kita Zerubabel na aking lingkod. Itatalaga kita upang maghari sa ilalim ng aking kapangyarihan. Ikaw ang aking pinili.” Iyan ang pahayag ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Ang aklat na ito ay naglalaman ng pahayag ni Yahweh sa pamamagitan ni Propeta Zacarias, anak ni Berequias at apo ni Propeta Iddo. Noong ikawalong buwan, ng ikalawang taon ng paghahari ni Haring Dario ng Persia, nangusap si Yahweh sa kanya. Ipinasabi niya sa mga taga-Juda, “Labis akong napoot sa inyong mga ninuno. Kaya't sabihin mo sa kanilang ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ‘Manumbalik kayo sa akin at kakalingain ko kayo. Huwag kayong tumulad sa inyong mga ninuno. Hindi sila nanumbalik sa akin, hindi nila tinalikuran ang kanilang kasamaan sa kabila ng aking mga panawagan sa pamamagitan ng mga propeta. Nasaan sila ngayon? At ang mga propeta, nanatili ba silang buháy? Ngunit natupad ang lahat ng sinabi ko sa pamamagitan ng mga propeta. Kaya naman sila'y nagsisi at sinabi nilang ginawa ko nga ang aking sinabi tungkol sa kanila na katumbas ng kanilang kasamaan.’” Noong ikadalawampu't apat na araw ng ikalabing isang buwan ng ikalawang taon ng pamamahala ni Haring Dario, nagpahayag si Yahweh kay Propeta Zacarias. Ganito ang salaysay ni Zacarias tungkol sa pangyayari, “Kagabi, nagkaroon ako ng pangitain. May nakita akong isang lalaking nakasakay sa kabayong pula. At siya'y huminto sa kalagitnaan ng mga punong mirto sa isang libis. Sa likuran niya ay may mga nakasakay rin sa kabayong pula, sa kabayong puti at sa kabayong batik-batik. Kaya't itinanong ko sa anghel ni Yahweh na nasa tabi ng mirto kung ano ang kahulugan niyon.” Ang sagot niya, “Halika't ipapaliwanag ko sa iyo. Ang mga ito ay isinugo ni Yahweh upang magmanman sa buong daigdig.” Sinabi ng mga tinutukoy ng anghel ni Yahweh, “Natingnan na po namin ang kalagayan ng buong daigdig; payapa po ang lahat.” Nang magkagayon, sinabi ng anghel, “Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, hanggang kailan mo pa pahihirapan ang Jerusalem at ang mga lunsod ng Juda? Pitumpung taon na po silang nagtitiis.” May sinabi si Yahweh sa anghel na kausap ko, mga salitang nakakaaliw at makapagpapalakas ng loob. Pagkatapos, sinabi naman sa akin ng anghel, “Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Labis ang aking pagmamalasakit sa Jerusalem at sa Zion. At malaki ang galit ko sa mga bansang palalo pagkat labis na ang pahirap nilang ginawa. Kukupkupin kong muli ang Jerusalem at ang aking templo ay muling itatayo. Ibabalik ang dating sukat at kaayusan nito. Muling sasagana ang aking mga lunsod. Ang Zion ay muli kong papatnubayan at hihirangin ang Jerusalem.” Ako'y tumingin at may nakita akong apat na sungay. Tinanong ko ang anghel na kausap ko, “Ano ang kahulugan nito?” Ang sagot niya sa akin, “Iyan ang mga sungay na nagpakalat sa Juda, Israel at Jerusalem.” Pagkatapos, apat na panday ang ipinakita ni Yahweh sa akin. Itinanong ko, “Ano ang gagawin nila?” Sumagot siya, “Ang Juda ay lubusang winasak ng mga sungay na nakita mo, anupa't walang makalaban sa kanila. Ipinadala ko ang mga panday na ito upang siyang humarap sa apat na sungay; babaliin nila ang lahat ng sungay na ginamit laban sa Juda.” Muli akong tumingin at may nakita akong isang lalaking may dalang panukat. Tinanong ko ito, “Saan kayo pupunta?” “Susukatin ko ang luwang at haba ng Jerusalem,” sagot niya. Walang anu-ano, lumakad ang anghel na kausap ko at sinalubong siya ng isa pang anghel. Sinabi nito sa kanya, “Bilisan mo! Habulin mo ang binatang may dalang panukat at sabihin mo sa kanya na ang Jerusalem ay titirhan ng napakaraming tao at hayop tulad ng bayang walang pader. Si Yahweh mismo ang magiging pader na apoy ng Jerusalem, at ang kaluwalhatian niya'y lulukob sa buong lunsod.” “Magmadali kayo!” sabi ni Yahweh. “Umalis kayo sa lupain sa hilaga, kayo na parang ipang inilipad ng hangin sa apat na sulok ng daigdig. Magmadali kayo! Mga taga-Zion na naninirahan sa Babilonia, umuwi na kayo!” Pagkatapos ng pangitaing ito, isinugo ako ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, sa mga taong nanamsam sa kanyang bayan at ipinasabi ang ganito: “Sinumang lumaban sa aking bayan ay para na ring lumaban sa akin. Bilang parusa ko sa kanila, sila naman ang lulupigin ng mga inalipin nila. Kapag naganap na ito, malalaman nilang isinugo ko ang lalaking ito.” Sinabi pa ni Yahweh, “Umawit ka sa kagalakan, bayan ng Zion, sapagkat maninirahan na ako sa inyong kalagitnaan.” Sa araw na iyon, maraming bansa ang sama-samang magpupuri kay Yahweh at pasasakop sa kanya. Siya'y maninirahan sa inyong kalagitnaan. Sa gayon, malalaman ninyong isinugo ako ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Aangkinin ni Yahweh ang Juda bilang bayang mahal at muli niyang hihirangin ang Jerusalem. Tumahimik kayo sa harapan ni Yahweh, lahat ng nilalang, sapagkat tumayo na siya sa kanyang banal na tahanan. Ipinakita sa akin ni Yahweh ang pinakapunong paring si Josue na nakatayo sa harapan ng anghel ni Yahweh. Siya ay paparatangan ni Satanas na noo'y nasa kanyang kanan. Sinabi ng anghel ni Yahweh kay Satanas, “Hatulan ka nawa ni Yahweh, Satanas. Hatulan ka nawa ni Yahweh na pumili sa Jerusalem. Ang taong ito ay gaya ng isang patpat na inagaw sa apoy.” Nakatayo si Josue sa harapan ng anghel at ang suot ay maruming damit. Sinabi ng anghel sa mga naroon, “Hubarin ang gulanit niyang kasuotan.” Bumaling siya kay Josue at sinabi, “Nilinis na kita sa iyong kasamaan at ngayo'y bibihisan ng magarang kasuotan.” Bumaling muli ang anghel sa kanyang mga inutusan at sinabi, “Suotan ninyo siya ng malinis na turbante.” Gayon nga ang ginawa nila. At binihisan nila si Josue habang nakamasid ang anghel ni Yahweh. Pagkatapos, tinagubilinan si Josue ng anghel ni Yahweh. Ito ang ipinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Kung lalakad ka sa aking mga landas at susundin mo ang aking mga utos, pamamahalain kita sa aking templo at sa buong paligid nito. Bukod dito, diringgin ko ang mga dalangin mo tulad ng pagdinig ko sa dalangin ng mga anghel na ito. Makinig ka, Josue na pinakapunong pari! Ikaw at ang iyong mga kasamahang pari ay mabuting palatandaan ng mga mangyayari sa hinaharap. Palilitawin ko ang Sanga na aking lingkod. At ang batong ibibigay ko sa iyo, na may pitong tapyas ay uukitan ko ng aking mga salita, at sa loob ng isang araw ay aalisin ko ang kasamaan sa buong lupain. Sa araw na iyon, sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, aanyayahan ng bawat isa sa inyo ang kanyang kaibigan upang magsama-sama sa ubasan ninyo at sa ilalim ng inyong mga punong igos.” Nagbalik ang anghel na kausap ko at ako'y kanyang ginising na para bang ako'y natutulog. Itinanong niya sa akin, “Ano ang nakikita mo?” “Isang ilawang ginto po na may lalagyan ng langis sa itaas at may pitong ilawan, bawat isa'y may pitong lalagyan ng mitsa. Sa magkabila nito ay may puno ng olibo,” sagot ko naman sa kanya. Itinanong ko sa anghel, “Ano po ang kahulugan nito, panginoon?” “Hindi mo ba alam iyan?” patanong na sagot sa akin. “Hindi po,” ang sagot ko. Sinabi sa akin ng anghel ang ipinapasabi ni Yahweh para kay Zerubabel, “Pinapasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: Ang tagumpay ay hindi makakamit sa pamamagitan ng lakas ng hukbo o sariling kapangyarihan kundi sa pamamagitan lamang ng aking espiritu. Maging ang pinakamalaking hadlang ay makikita ninyong maaalis. Muli mong itatayo ang templo at habang inilalagay mo ang kahuli-hulihang bato, magbubunyi ang mga tao at kanilang sasabihin, ‘Napakaganda!’” Sinabi muli sa akin ni Yahweh, “Si Zerubabel ang naglagay ng pundasyon sa templong ito at siya rin ang tatapos. Kapag ito'y natapos na, mapapatunayan ng lahat na ikaw ang aking isinugo. Nag-aalala sila ngayon dahil sa mabagal na pagkayari ng templo. Ngunit matutuwa sila kapag nakita nilang ito'y pinapamahalaan na ni Zerubabel.” Sinabi sa akin ng anghel, “Ang pitong sinag na iyan ay paningin ng Diyos at lalaganap ito sa buong mundo.” Itinanong ko sa anghel, “Ano naman po ang kahulugan ng dalawang puno ng olibo sa magkabila ng ilawan? Bakit may dalawang sanga ng olibo sa magkabilang tabi ng gintong tubo na buhusan ng langis?” “Hindi mo ba alam kung ano ang mga iyan?” patanong na tugon niya sa akin. “Hindi po,” sagot ko. “Iyan ay dalawang taong pinili ni Yahweh at pinahiran ng langis upang makatulong niya sa pamamahala sa daigdig,” sabi niya. Muli akong tumingala at may nakita akong kasulatang lumilipad. Tinanong ako ng anghel, “Ano ang nakikita mo?” “Isa pong kasulatang lumilipad. Ang haba po nito ay siyam na metro at apat at kalahating metro naman ang lapad,” sagot ko. Sinabi niya sa akin, “Diyan nakasulat ang mga sumpa sa daigdig. Sa kabila ay sinasabing aalisin sa lupain ang lahat ng magnanakaw; sa kabila naman ay sinasabing aalisin din ang lahat ng sinungaling. Ipadadala ko ito sa sambahayan ng mga magnanakaw at sa sambahayan ng mga sinungaling. Mananatili ito sa sambahayang iyon upang ubusin sila nang lubusan.” Lumapit sa akin ang anghel at sinabi, “Tumingala ka at tingnan mo kung ano itong dumarating.” “Ano 'yan?” tanong ko sa kanya. “Iyan ay isang malaking basket. Inilalarawan niyan ang kasalanan ng buong sanlibutan,” sagot niya. Bumukas ang tinggang takip nito at nakita kong may isang babaing nakaupo sa loob ng malaking basket. Sinabi sa akin ng anghel, “Iyan si Kasamaan.” At itinulak niya ito pabalik sa loob ng kaing at muling sinarhan. Nang ako'y tumingala, may nakita akong dalawang babaing lumilipad papunta sa akin; malalapad ang kanilang pakpak. Pinagtulungan nilang ilipad na palayo ang malaking basket. Tinanong ko ang anghel, “Saan nila iyon dadalhin?” Sumagot siya, “Sa Babilonia. Gagawa sila ng templo roon upang paglagyan ng malaking basket. Pagkatapos, sasambahin nila ito.” Muli akong tumingin at may nakita akong apat na karwaheng lumabas sa pagitan ng dalawang malalaking bundok na tanso. Pula ang mga kabayong humihila sa unang karwahe, kulay itim naman sa pangalawa, mga kabayong kulay puti ang sa pangatlo, at mga kabayong batik-batik ang sa pang-apat. Itinanong ko sa anghel, “Ano po ang kahulugan ng mga karwaheng ito?” Sumagot siya, “Ang mga iyan ay ang apat na hangin ng himpapawid na nagmula kay Yahweh na Panginoon ng buong daigdig. Ang hila ng mga kabayong kulay itim ay pupunta sa hilaga, sa kanluran naman ang hila ng puti, at sa timog naman ang hila ng may batik-batik.” Nang lumabas ang mga kabayong may batik-batik na pula, sila'y nagpipiglas upang siyasatin ang daigdig. Kaya sinabi ng anghel, “Sulong, siyasatin na ninyo ang daigdig!” At gayon nga ang ginawa ng mga ito. Walang anu-ano, isinigaw sa akin ng anghel, “Ang poot ni Yahweh ay pinayapa na ng mga kabayong nagpunta sa Babilonia!” Sinabi sa akin ni Yahweh, “Puntahan mo sina Heldai, Tobias at Jedaias na kasama ng mga bihag na dinala sa Babilonia. Pagkatapos, tumuloy ka kay Josias na anak ni Sefanias. Kunin mo ang kanilang mga handog na pilak at ginto, at gawin mong korona para sa pinakapunong paring si Josue na anak ni Jehozadak. Sabihin mo sa kanya, ‘Narito ang isang taong ang pangala'y Sanga. Tutubo siya mula sa kanyang kinalalagyan at ipatatayo niya ang templo ni Yahweh. Siya nga ang magtatayo ng templo, uupo sa trono, at manunungkulan bilang hari. Tutulungan siya ng isang pari at maghahari sa kanila ang mabuting pag-uunawaan. Ang korona ay mananatili sa templo bilang pag-alala kina Heldai, Tobias, Jedaias at Josias.’” Magsisiparito ang mga taong taga-malayong lupain upang tumulong sa pagtatayo ng templo ni Yahweh. Sa gayon, mapapatunayan ninyong isinugo nga ako ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Mangyayari ang lahat ng ito kung tutuparin ninyo ang kanyang mga utos. Noong ikaapat na taon ng pamamahala ni Haring Dario, muling nagpahayag kay Zacarias si Yahweh. Naganap ito noong ikaapat na araw ng ikasiyam na buwan ng taon. Ang mga pangkat nina Sarezer at Regemmelec ay sinugo ng mga taga-Bethel upang makiusap kay Yahweh at itanong sa mga pari at sa mga propeta kung kailangan pa nilang magluksa sa ika-5 buwan, tulad ng dati nilang ginagawa. Hindi ba't nagkakainan at nag-iinuman kayo para lamang mabusog at masiyahan?” Hindi ba't ito rin ang sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ng mga unang propeta, nang ang Jerusalem at ang mga lunsod sa paligid nito kasama ang Negeb at mga bulubunduking lalawigan ay hindi pa nawawasak at nasa panahon ng kaunlaran. Pinahayag ni Yahweh kay Zacarias, “Sabihin mo sa kanila, ‘Pairalin ninyo ang katarungan at maging mahabagin kayo sa isa't isa. Huwag ninyong aapihin ang mga biyuda, ang mga ulila, ang mga dayuhan o ang mahihirap. Huwag kayong magbabalak ng masama laban sa inyong kapwa.’ “Ngunit hindi nila ito pinakinggan; matigas ang kanilang ulo at sila'y nagbingi-bingihan. Ipinilit nila ang sariling kagustuhan at hindi dininig ang sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat sa pamamagitan ng mga propeta. Dahil dito, labis siyang nagalit sa kanila. ‘Nang magsalita ako sa kanila, hindi nila ako pinakinggan, kaya ganoon din ang ginawa ko nang sila naman ang magsalita sa akin. At ipinakalat ko sila sa lahat ng panig ng daigdig, sa mga lugar na di nila dating napupuntahan. Dahil dito, napabayaan ang dating magandang lupain; wala na ring dumaraan at naninirahan doon.’” Sinabi sa akin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Ganito ang sabihin mo: Sabik na sabik na akong ipadama sa Jerusalem ang aking pagmamahal; isang pagmamahal na naging dahilan upang mapoot ako sa kanyang mga kaaway. Babalik ako sa Jerusalem upang muling manirahan doon. Tatawagin itong Tapat na Lunsod at Banal na Bundok ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Ganito ang sinabi ni Yahweh: “Muling makikita ang matatandang babae't lalaking nakatungkod na nakaupo sa mga liwasan ng lunsod. Ang mga lansangan ay mapupuno ng mga batang naglalaro. Aakalain ng mga naiwan sa lupain na mahirap itong mangyari. Ngunit para kay Yahweh ay walang imposible. Ililigtas ko ang aking bayan mula sa mga lugar sa silangan at sa kanluran, at muli ko silang ibabalik sa Jerusalem. Sila ay aking magiging bayan at ako ang kanilang magiging tapat at makatarungang Diyos.” Ipinapasabi pa ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Lakasan ninyo ang inyong loob, kayo na nakarinig ng mensahe ng mga propeta noong inilalagay ang pundasyon ng aking templo. Bago pa dumating ang panahong iyon, hindi nila kayang umupa ng tao o hayop, at mapanganib kahit saan sapagkat ang bawat isa'y ginawa kong kaaway ng kanyang kapwa. Ngunit ngayon, hindi ko na pababayaang mangyari sa inyo ang nangyari noon. Mapayapa na kayong makapaghahasik. Magbubunga na ang inyong mga ubasan. Papatak na ang ulan sa takdang panahon, ibibigay ko ang lahat ng ito sa mga naiwan sa lupain. Bayan ng Juda at Israel, kayo ang naging sumpa sa mga bansa. Sinasabi nila, ‘Danasin sana ninyo ang kahirapang dinanas ng Juda at ng Israel.’ Ngunit ililigtas ko kayo at gagawing pagpapala para sa kanila. Kaya huwag kayong matakot at lakasan ninyo ang inyong loob.” Ipinapasabi pa rin ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Noong una, binalak kong parusahan ang inyong mga ninuno dahil sa kanilang kasamaan. Ginawa ko nga ito. Ngunit ngayon, ipinasya ko namang pagpalain ang Jerusalem at ang Juda; kaya huwag kayong matakot. Ganito ang dapat ninyong gawin: Katotohanan lamang ang sasabihin ninyo sa isa't isa, paiiralin ninyo ang katarungan at pananatilihin ang kapayapaan. Huwag kayong magbabalak ng masama laban sa inyong kapwa at huwag magsisinungaling, sapagkat nasusuklam ako sa mga ito.” Sinabi sa akin ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat, “Sabihin mo sa kanila na ang mga araw ng pag-aayuno tuwing ikaapat, ikalima, ikapito at ikasampung buwan ng taon ay gagawin kong araw ng kagalakan at pagdiriwang ng Juda. Kaya't pahalagahan ninyo ang katotohanan at kapayapaan.” Ipinapasabi pa ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Darating sa Jerusalem ang mga tao mula sa iba't ibang bayan. Aanyayahan nila ang bawat isa, ‘Tayo na at sambahin natin si Yahweh. Humingi tayo ng pagpapala kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.’ Maraming tao at bansang makapangyarihan ang pupunta sa Jerusalem upang sumamba kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat at upang humingi sa kanya ng pagpapala. Sa araw na iyon, sampu-sampung dayuhan ang makikiusap sa bawat Judio na isama sila dahil sa balitang ang mga Judio ay pinapatnubayan ng Diyos.” Ito ang ipinapasabi ni Yahweh: “Itinakda ko na ang parusa sa lupain ng Hadrac at sa lunsod ng Damasco. Ang mga lunsod ng Aram ay akin, kung paanong ang lahat ng lipi ni Israel ay akin. Akin din ang Hamat na nasa hangganan ng Hadrac, gayon din ang Tiro at Sidon, bagaman sila'y napakarunong. Ang Tiro ay napapaligiran ng matibay na pader. Nag-ipon siya ng makapal na pilak at gintong sindami ng alabok sa lansangan. Ngunit ngayon, kukunin ni Yahweh ang lahat niyang ari-arian at ihahagis lahat sa dagat. Ang lunsod naman ay ipatutupok niya sa apoy. “Makikita ito ng Ashkelon at siya ay mangingilabot. Manginginig rin sa takot ang Gaza, at mawawalan ng pag-asa ang Ekron. Mawawalan ng hari ang Gaza at wala nang maninirahan pa sa Ashkelon. Paghaharian ng mga dayuhan ang Asdod. Ibabagsak ko ang palalong Filistia. Hindi na sila kakain ng dugo o anumang ipinagbabawal na pagkain. Ang matitira ay mapapabilang sa aking bayan at ituturing na isa sa mga angkan ni Juda. Ang mga taga-Ekron ay mapapabilang din sa aking bayan, tulad ng nangyari sa mga Jebuseo. Babantayan ko ang aking bayan upang hindi ito mapasok ng kaaway. Hindi ko na papahintulutang lupigin pa sila ng iba, sapagkat nakita ko na ang kanilang paghihirap.” O Zion, magdiwang ka sa kagalakan! O Jerusalem, ilakas mo ang awitan! Pagkat dumarating na ang iyong hari na mapagtagumpay at mapagwagi. Dumarating siyang may kapakumbabaan, batang asno ang kanyang sinasakyan. “Ipapaalis niya ang mga karwahe sa Efraim, gayundin ang mga kabayong pandigma ng Jerusalem. Panudla ng mga mandirigma ay mawawala, pagkat paiiralin niya'y ang pagkakasundo ng mga bansa. Hangganan ng kaharian niya'y dagat magkabila, mula sa Ilog Eufrates hanggang dulo ng lupa.” Sinabi pa ni Yahweh, “Alang-alang sa ating tipan na pinagtibay ng dugo, ibabalik ko ang mga anak mong itinapon sa balong tuyo. Kayo, mga bilanggo, na di nawalan ng pag-asa, ay maaari nang bumalik sa inyong lupain. Ang magandang kalagayan ninyo noong unang panahon, ay aking hihigitan at pag-iibayuhin. Binanat ko ang Juda gaya ng isang pana, at ang Efraim naman ang aking panudla. Kayong mga taga-Zion ay aking isasagupa laban sa mga anak ng mga taga-Grecia; gaya ng tabak ng isang mandirigma, sila'y gagawin kong aking sandata.” Si Yahweh ay magpapakita sa kanyang bayan, at ang palaso niya'y parang kidlat na sisibat; trumpeta ng Panginoong Yahweh, kanyang hihipan at sila'y parang ipu-ipong sasalakay sa katimugan. Si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, sa kanila'y mag-iingat; sa pagdumog sa kaaway sila'y di maaawat. Dugo ng mga ito'y kanilang paaagusin, gaya ng mga handog na sa altar inihain. Sa araw na iyon, ililigtas sila ni Yahweh na kanilang Diyos pagkat sila'y kanyang kawan, iniibig na lubos. Sa buong lupain ay magniningning sila, parang batong hiyas ng isang korona. Mararanasan nila'y kagandaha't kasaganaan; pagkain at alak, may taglay na kalakasan, para sa kabinataan at mga kadalagahan. Humingi kayo ng ulan kay Yahweh, sa panahon ng tagsibol. Sa kanya na lumilikha ng ulap at hamog na nagpapasariwa sa mga pananim. Ang mga diyus-diyosan ay wala ng kabuluhan; ang pangitain ng mga manghuhula ay pawang kasinungalingan; ang mga panaginip nila'y walang katotohanan; ang kanilang sinasabi'y wala ring kabuluhan. Kaya't mga tao'y parang tupang naliligaw, pagkat walang pastol na sa kanila'y umaakay. Ang mga pastol ay aking kinapopootan, at ang mga pinuno ay aking paparusahan. Mahal ko ang Juda, kaya siya'y iingatan, palalakasin ko silang parang kabayo sa digmaan. Sa kanila magmumula ang batong-panulukan; sa kanila manggagaling ang tulos ng tolda; sa kanila magmumula ang panang panudla, mula rin sa kanila ang pinunong mamamahala. Ang mga anak ng Juda ay mabubuo at sila'y magiging isang malakas na hukbo. Ang kaaway nila'y kanilang yuyurakan, kanilang tatapakan sa maputik na lansangan. Sila ay lalaban sapagkat si Yahweh ang kanilang patnubay; ibabagsak nila ang mga kawal na kabayuhan. “Ang sambahayan ni Juda'y bibigyan ko ng lakas; ang sambahayan ni Jose'y aking ililigtas. Ibabalik ko sila sa dating tirahan; sapagkat sila ay aking kinahabagan, na para bang di ko sila pinabayaan. Ako si Yahweh, ang kanilang Diyos, aking diringgin ang kanilang dalangin. Ang mga taga-Efraim ay magdiriwang, katulad nila'y kawal na nagtagumpay. Aawit sila sa galak na parang nakainom ng alak. Makikita ito ng mga anak nila at matutuwa, si Yahweh ay pupurihin sapagkat siya ang gumawa. “Tatawagin ko sila at muling titipunin, sa mga kaaway sila'y aking tutubusin; at tulad noong una, sila'y pararamihin. Bagaman sila'y pinangalat ko sa iba't ibang mga bansa, hindi nila ako malilimutan doon, sila at ang mga anak nila'y maliligtas at makakabalik sa kanilang tahanan. Sila'y aking ibabalik mula sa Egipto, at aking titipunin mula sa Asiria; upang iuwi sa Gilead at Lebanon, hanggang ang lupain ay mapuno ng tao. Tatawid sila sa dagat ng Egipto, at papayapain ko ang malalaking alon nito; aking tutuyuin ang Ilog Nilo. Ibabagsak ko ang Asiria na palalo, maging setro ng Egipto'y tiyak na maglalaho. Ang aking bayan ay aking palalakasin, susundin nila ako at sasambahin.” Ako si Yahweh, ang nagsabi nito. Pintuan mo ay ibukas, lupain ng Lebanon, upang lamunin ng apoy ang iyong mga sedar. Magsitaghoy kayo, mga puno ng sipres pagkat bumagsak na ang sedar, ang mararangal na punong iyon. Managhoy rin kayo, mga ensina ng Bashan, pagkat nahawan na ang madilim na kagubatan. Gayon na lamang ang pagtangis ng mga pinuno, pagkat karangalan nila'y parang biglang naglaho. Atungal ng mga leon, iyong pakinggan, pagkat gubat ng Jordan ay nasira na't nahawan. Sinabi sa akin ni Yahweh na aking Diyos, “Ikaw ang mag-alaga sa mga tupa kong papatayin. Pinapatay lamang sila ng nag-aalaga sa kanila ngunit hindi napaparusahan ang mga ito. Ang karne ay ipinagbibili at pagkatapos ay kanilang sinasabi, ‘Purihin si Yahweh! Mayaman na tayo ngayon.’ Maging ang mga pastol ay hindi rin naawa sa kanila. Hindi ko na kahahabagan ang mga tao sa lupaing ito. Pababayaan ko silang mahulog sa kamay ng kanilang kapwa. Wawasakin nila ang lahat ng bansa, isa ma'y wala akong ililigtas!” Kinuha ako ng mga mamimili upang mag-alaga sa binili nilang tupang papatayin. Kumuha ako ng tungkod; ang isa'y pinangalanan kong Kabutihang Loob, at ang isa nama'y Pagkakaisa. At inalagaan ko nga ang kawan. Sa loob ng isang buwan, tatlong pastol na ang pinaalis ko pagkat naubos na ang pasensiya ko sa kanila. Sila naman ay nasuklam sa akin. Sinabi ko sa kawan, “Mula ngayon, di ko na kayo aalagaan, mamatay na kung sino ang mamamatay sa inyo at mapahamak na kung sino ang mapapahamak. At ang matira ay pababayaan kong mag-away-away. Binali ko ang tungkod na tinawag kong Kabutihang Loob upang ipakilalang wala nang kabuluhan ang kasunduan namin ng mga mamimili. Nang araw ngang yaon, sinira ko ang tipan at nalaman ng mga mamimiling nanonood sa akin noon na ang sinabi ko'y buhat kay Yahweh. Sinabi ko sa kanila, “Kung gusto ninyong ibigay ang aking sahod, salamat; kung ayaw ninyo, sa inyo na lang.” At binigyan nila ako ng tatlumpung pirasong pilak bilang sahod. Pagkatapos, sinabi sa akin ni Yahweh, “Ilagay mo iyan sa kabang-yaman ng Templo.” Kaya't kinuha ko ang tatlumpung pirasong pilak bilang pasahod nila sa akin, at ganoon nga ang aking ginawa. Pagkatapos, binali ko rin ang tungkod na tinawag kong Pagkakaisa upang ipakitang wala nang pagkakaisa ang Juda at Israel. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Mag-ayos kang tulad ng isang pastol na walang kabuluhan. Ang bayan ay bibigyan ko ng isang pastol na walang pagpapahalaga sa mga nawawala, hindi maghahanap sa naligaw, hindi hihilot sa napilayan, ni mag-aalaga sa maysakit. Bagkus, uubusin niya ang matataba, saka itatapon ang buto nito. Kawawa ang pastol na walang kabuluhan at nagpapabaya sa kawan. Isang tabak ang tatama sa kanyang kamay at kanang mata. Ang kamay niya'y mawawalan ng lakas, at mabubulag ang kanang mata.” Ito ang mensahe ni Yahweh para sa Israel, ang Diyos na gumawa ng langit at lupa, at nagbigay-buhay sa tao: “Ang Jerusalem ay gagawin kong parang isang mangkok na puno ng alak upang ang sinumang maghangad lumusob dito ay maging parang lasing na susuray-suray. Ang pagkubkob sa Jerusalem ay pagkubkob na rin sa buong Juda. Sa araw na iyon, ang mga bansa ay magkakaisa laban sa Jerusalem ngunit gagawin ko itong tulad sa isang malaking bato na mahirap galawin. Sinumang gumalaw nito ay naghahanap ng sakit ng katawan. Tatakutin ko ang kanilang mga kabayo at magúgulo ang mga kawal na sakay nito. Babantayan ko ang Juda at bubulagin ang mga kabayo ng kaaway. Dahil dito, sasabihin ng mga taga-Juda na ang lakas ng Jerusalem ay buhat kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang kanilang Diyos. “Sa araw na iyon, ang Juda ay gagawin kong parang apoy na tutupok sa kakahuyan at sulo na susunog sa ginapas na palay. Lilipulin niya ang mga karatig-bansa at ang Jerusalem naman ay muling titirhan ng mga tao. “Ang unang pagtatagumpayin ko ay ang mga sambahayan ng Juda upang ang karangalan ng angkan ni David at ng mga taga-Jerusalem ay hindi humigit sa ibang bayan ng Juda. Sa araw na iyon, palalakasin ko ang mga taga-Jerusalem upang pati ang mga mahihina ay magiging sinlakas ni David. Ang sambahayan ni David ay magiging makapangyarihang tulad ng Diyos, tulad ng anghel ni Yahweh na nanguna sa kanila. At sa araw na iyon, mawawasak ang alinmang bansang mangangahas sumakop sa Jerusalem. “Ang lahi ni David at ang mga taga-Jerusalem ay gagawin kong mahabagin at mapanalanginin. Sa gayon, kapag pinagmasdan nila ang kanilang sinaksak ng sibat ay tatangisan nila itong parang kaisa-isang anak o anak na panganay. Sa araw na iyon, ang iyakan sa Jerusalem ay matutulad sa nangyari noon sa Hadad-rimon sa kapatagan ng Megido. Tatangis ang buong lupain, ang bawat sambahayan, ang lahi ni David, pati ang kababaihan doon, ang lahi ni Natan, pati ang sambahayan doon, ang lahi ni Levi, pati ang kababaihan doon, ang lahi ni Simei, pati ang kababaihan doon, at ang iba pang lahi, pati ang kanilang kababaihan.” Sinabi pa ni Yahweh, “Sa panahong iyon, lilitaw ang isang bukal at lilinisin nito ang kasalanan at karumihan ng sambahayan ni David at ng mga taga-Jerusalem. “Aalisin ko sa lupain ang lahat ng diyus-diyosan at mapapawi sila sa alaala habang panahon. Aalisin ko na rin ang mga bulaang propeta at masasamang espiritu. Sakali mang may lumitaw na bulaang propeta, sasabihin ng kanyang mga magulang na hindi siya dapat mabuhay, pagkat ginagamit pa niya sa kasinungalingan ang pangalan ni Yahweh. At ang mga magulang niya mismo ang papatay sa kanya sa sandaling siya'y magpahayag. Sa araw ngang iyon, wala nang magmamalaking siya ay propeta, wala nang magdadamit-propeta ni magkukunwaring propeta. Sa halip, sasabihin nilang sila'y hindi propeta kundi mga hamak na magbubukid lamang mula sa kanilang kabataan. Kung may magtanong sa kanya tungkol sa mga pilat niya sa dibdib, sasabihin niyang iyon ay likha ng mga nagmamahal sa kanya.” Ito ang sinasabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Tabak, kumilos ka laban sa tagapangalaga ng aking mga tupa, laban sa aking lingkod. Patayin mo ang pastol upang magkawatak-watak ang mga tupa; lilipulin ko naman pati ang maliliit. Malilipol ang dalawang ikatlong bahagi ng naninirahan sa lupain; ikatlong bahagi lamang ang matitira. Ang mga ito'y padadaanin ko sa apoy upang dalisayin, tulad ng pagdalisay sa pilak at ginto. Tatawag sila sa akin at akin namang diringgin. Sasabihin kong sila ang aking bayan. Sasabihin naman nilang ako ang kanilang Diyos.” Darating ang araw na pababayaan ni Yahweh na mapasok ang Jerusalem, at lahat ng masasamsam ay paghahati-hatian sa harapan ninyo. Pagkakaisahin ko ang mga bansa laban sa Jerusalem. Lulusubin nila ito, hahalughugin ang lahat ng bahay, at gagahasain ang mga babae. Ipapatapon ang kalahati sa mga taga-Jerusalem at iiwanan ang kalahati. Ngunit ang mga bansang iyon ay didigmain ni Yahweh tulad ng ginawa niya noong una. Sa araw na iyon, tatayo si Yahweh sa Bundok ng mga Olibo sa gawing silangan ng Jerusalem. Magkakaroon ng maluwang na libis sa gitna ng bundok, pagkat mahahati ito mula sa silangan hanggang kanluran: ang kalahati ay mapupunta sa hilaga at sa timog naman ang kalahati. Sa libis kayo daraan sa inyong pagtakas, tulad ng ginawa ng inyong mga ninuno nang lumindol sa Juda noong panahon ni Haring Uzias. At si Yahweh ay darating na kasama ang kanyang mga anghel. Sa panahong iyon, wala nang taglamig at hindi na didilim; mananatiling maliwanag kahit sa gabi. Si Yahweh lamang ang nakakaalam kung kailan ito mangyayari. Ang mga agos ng tubig buhat sa Jerusalem ay patuloy sa buong taon. Patungo sa Dagat na Patay ang kalahati at sa Dagat Mediteraneo naman ang kalahati. Ang daigdig ay pamamahalaan ni Yahweh; siya lamang at ang kanyang pangalan ang kikilalanin ng lahat. Ang buong lupain ay gagawing kapatagan mula sa Geba hanggang Rimon, sa timog ng Jerusalem. Ngunit ang Jerusalem ay mananatiling mataas mula sa pintuan ng Benjamin, sa lugar ng dating pintuan, hanggang sa pintuan sa sulok, mula sa bantayan ni Hananel hanggang sa pisaan ng ubas sa hardin ng palasyo. Mapupuno ito ng mga mamamayan, at hindi na ito isusumpa pang muli. Ito'y paghaharian na ng kapayapaan. Ang mga lulusob sa Jerusalem ay padadalhan ni Yahweh ng kakila-kilabot na sakit; buháy pa sila ay mabubulok na ang kanilang laman, mata at dila. Paghaharian sila ng malaking kaguluhan, at sila-sila'y maglalaban. Lulusubin sila ng mga taga-Juda upang ipagtanggol ang Jerusalem at sasamsamin ang maiiwanan nilang kayamanang ginto, pilak at mga kasuotan. Padadalhan din niya ng salot ang kanilang mga kabayo, mola, kamelyo, asno at iba pang mga hayop. Kapag nalupig na ang mga kaaway, lahat ng nakaligtas sa labanan at sa salot ay pupunta sa Jerusalem taun-taon upang sumamba kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Dakilang Hari, at makikisama sa pagdiriwang ng Pista ng mga Tolda. At alinmang bansang hindi sumasamba kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, ang Hari, ay hindi makakaranas ng ulan. Kapag ang mga Egipcio ay di pumunta sa Jerusalem, padadalhan din sila ng salot tulad ng ipinadala sa mga bansang hindi nakiisa sa pagdiriwang ng Pista ng mga Tolda. Iyan ang ipaparusa sa Egipto at sa mga bansang hindi makikiisa sa pagdiriwang ng nasabing pista. Sa araw na iyon, ang mga kampanilyang palamuti sa mga kabayong pandigma ay susulatan ng ganito, “Itinalaga kay Yahweh.” Magiging sagrado ang lahat ng lutuan sa templo, tulad ng mga palanggana sa harap ng altar. Lahat ng lutuan sa Jerusalem at Juda ay magiging sagrado para kay Yahweh upang magamit sa lahat ng paghahandog. At mawawala na ang mga mangangalakal sa templo ni Yahweh. Ang aklat na ito ay naglalaman ng pahayag ni Yahweh tungkol sa Israel sa pamamagitan ni Propeta Malakias. Sinabi ni Yahweh sa bayan ng Israel: “Inibig ko na kayo noong una pa man, subalit sinasabi naman ninyo, ‘Paano ninyo ipinakita ang inyong pag-ibig sa amin?’ Hindi ba't magkapatid sina Esau at Jacob ngunit minahal ko si Jacob at ang kanyang mga salinlahi, at kinamuhian ko naman si Esau? Winasak ko ang kanyang maburol na kabayanan at pinamugaran iyon ng maiilap na hayop.” Kung sabihin man ng mga Edomita na mga salinlahi ni Esau, “Bagaman winasak ang aming bayan, muli namin itong itatayo.” Ito naman ang isasagot ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat: “Itayo man nilang muli iyon ay muli kong wawasakin hanggang sa tawagin silang ‘masamang bansa’ at ‘bayang kinapopootan ni Yahweh magpakailanman.’” Makikita ninyong mangyayari ito at inyong sasabihin, “Dakila at makapangyarihan si Yahweh kahit sa labas ng bansang Israel.” Pinagsabihan ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat ang mga paring lumalapastangan sa kanyang pangalan, “Pinaparangalan ng anak ang kanyang ama at ng alipin ang kanyang panginoon. Kung ako ang inyong ama, bakit hindi ninyo ako iginagalang? Kung ako ang inyong Panginoon, bakit hindi ninyo ako pinaparangalan? Nilalapastangan ninyo ako at pagkatapos ay itatanong pa ninyo, ‘Sa anong paraan namin kayo nilalapastangan?’ Nag-aalay kayo sa aking altar ng mga walang halagang pagkain. At itinanong pa ninyo, ‘Paano naging marumi ang aming handog?’ Hinahamak ninyo ang aking altar sa tuwing maghahandog kayo sa akin ng mga hayop na bulag, pilay, o maysakit. Subukin ninyong maghandog ng ganyan sa inyong gobernador, matuwa kaya siya sa inyo at ibigay ang inyong kahilingan? “Magsumamo man kayo sa Diyos ay hindi niya kayo papakinggan kung ganyan ang ihahandog ninyo sa kanya. Mabuti pa'y isara na ng isa sa inyo ang mga pinto ng Templo at huwag na kayong mag-aksaya ng panahon sa pagsisindi ng walang kabuluhang apoy sa ibabaw ng aking altar! Hindi ako nalulugod sa inyo at hindi ko tatanggapin ang anumang handog ninyo sa akin. Iginagalang ang aking pangalan ng lahat ng mga bansa mula silangan hanggang kanluran. Nagsusunog sila ng insenso at nag-aalay ng malilinis na handog para sa akin. Ako'y pinaparangalan nilang lahat. Ngunit dinudungisan ninyo ang pangalan ko tuwing sinasabi ninyo na walang kabuluhan ang aking altar at tuwing naghahandog kayo doon ng mga pagkaing walang halaga! Sinasabi ninyong nakakapagod na ang lahat ng ito at iniismiran pa ninyo ako. At kung hindi naman nakaw o pilay, maysakit ang dala ninyong hayop na panghandog sa akin. Akala ba ninyo'y tatanggapin ko iyon? Sumpain ang sinumang nandaraya sa paghahandog sa akin ng hayop na may kapintasan, gayong may ipinangako siyang malusog na hayop mula sa kanyang kawan. Ako'y isang Haring dakila at kinatatakutan ng lahat ng bansa.” Sinabi rin ni Yahweh sa mga pari: “Kung hindi ninyo ito papakinggan at isasapuso bilang pagpaparangal sa aking pangalan, susumpain ko kayo at ang mga pagpapalang tinatanggap ninyo bilang mga pari. Sa katunayan, sinumpa ko na ang mga iyon, sapagkat hindi ninyo isinasapuso ang aking utos. Paparusahan ko ang inyong mga anak at ipapahid ko sa inyong mukha ang dumi ng mga hayop na inihahandog ninyo sa panahon ng mga kapistahan. Itatapon din kayo sa tambakan ng dumi. Dahil dito'y malalaman ninyo na ibinigay ko sa inyo ang utos na ito, upang magpatuloy ang aking tipan kay Levi,” wika ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. “Sa tipang iyon, pinangakuan ko siya ng buhay at katiwasayan, at ipinagkaloob ko nga ito sa kanya, upang igalang niya ako. Iginalang naman niya ako at kinatakutan. Itinuro niya ang tama at hindi ang mali. Namuhay siya ng matuwid at matapat sa akin at tinulungan ang maraming tao upang huwag nang gumawa ng kasamaan. Tungkulin ng mga pari na ituro ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Sila ang dapat sangguniin ng mga tao tungkol sa aking kalooban, sapagkat sila ang mga sugo ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. “Subalit lumihis kayo sa daang matuwid at marami ang nabulid sa kasamaan dahil sa inyong katuruan. Sinira ninyo ang aking kasunduan kay Levi,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. “Kaya, hahayaan kong kamuhian at hamakin kayo ng mga tao sapagkat hindi ninyo sinusunod ang aking kalooban at hindi pantay-pantay ang inyong pakikitungo sa mga tao kapag sila'y tinuturuan ninyo.” Hindi ba iisa ang ating Ama? Hindi ba't iisang Diyos ang lumalang sa atin? Kung gayo'y bakit nagtataksil tayo sa isa't isa at nilalapastangan ang tipan ng ating mga ninuno? Sumira ang Juda sa kanyang pangako sa Diyos at dahil dito'y naganap sa Israel at sa Jerusalem ang isang kasumpa-sumpang pangyayari. Niyurakan nila ang Templo na pinakamamahal ni Yahweh. Ang mga lalaki'y nag-asawa sa mga babaing sumasamba sa ibang mga diyos. Puksain nawa ni Yahweh sa bansang Israel ang sinumang gumagawa nito at huwag na silang pahintulutan pang makibahagi sa paghahandog kay Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Kahit pa diligin ninyo ng luha ang altar niya, kahit pa manangis kayo't dumaing, hindi na niya kaluluguran ang mga handog ninyo sa kanya. Itinatanong ninyo kung bakit. Saksi si Yahweh na kayo'y sumira sa pangako ninyo sa inyong asawang pinakasalan ninyo nang kayo'y kabataan pa. Sumira kayo sa pangako ninyo sa kanya, bagama't nangako kayong magiging tapat sa kanya. Hindi ba't pinag-isa kayo ng Diyos sa katawan at sa espiritu? Ang layunin niya ay upang maging tunay na mga anak ng Diyos ang inyong mga supling. Kaya't huwag ninyong pagtaksilan ang babaing pinakasalan ninyo nang kayo'y kabataan pa. “Nasusuklam ako sa pagpapalayas at paghihiwalay ng mga mag-asawa,” sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel. “Napopoot ako sa taong gumagawa ng kalupitan sa kanyang asawa. Kaya nga maging tapat kayo sa inyong asawa.” Sawang-sawa na si Yahweh sa inyong mga sinasabi. Subalit itinatanong pa ninyo, “Bakit siya nagsasawa?” Sinasabi ninyong mahal ni Yahweh ang mga gumagawa ng kasamaan at nalulugod siya sa kanila. Itinatanong din ninyo, “Nasaan ang Diyos na makatarungan?” Sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Ipadadala ko ang aking sugo upang ihanda ang daraanan ko. At si Yahweh na inyong hinahanap ay biglang darating sa kanyang templo. Darating ang pinakahihintay ninyong sugo at ipahahayag ang aking tipan.” Ngunit sino ang makakatagal pagdating ng araw na iyon? Sino ang makakaharap kapag napakita na siya? Para siyang apoy na nagpapadalisay sa bakal at parang sabon na may matapang na sangkap. Darating siya at mauupong tulad ng isang tagapagdalisay ng pilak. Dadalisayin niya ang mga anak na lalaki ni Levi katulad ng ginto at pilak at sa pamamagitan nito'y magiging karapat-dapat ang kanilang handog kay Yahweh. Dahil dito, ang mga handog na dadalhin ng mga taga-Juda at Jerusalem ay magiging kalugud-lugod kay Yahweh, tulad ng dati. Sinabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “Darating ako upang hatulan ang mga mangkukulam, ang mga mangangalunya, ang mga bulaang saksi, ang mga nandaraya sa kanilang mga manggagawa, ang mga nagsasamantala sa mga biyuda, sa mga ulila't mga dayuhan at ang mga hindi gumagalang sa akin.” “Ako si Yahweh. Hindi pa kayo lubusang nalilipol sapagkat hindi ako nagbabago sa aking pangako. Subalit tulad ng inyong mga ninuno, tumalikod kayo at sinuway ninyo ang aking mga kautusan. Manumbalik kayo sa akin at manunumbalik din ako sa inyo,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. Itinatanong ninyo, ‘Paano kami manunumbalik sa inyo?’ “Ang tanong ko nama'y, matuwid bang pagnakawan ng tao ang Diyos? Hindi! Ngunit pinagnanakawan ninyo ako. Sa paanong paraan? Sa mga ikasampung bahagi at mga handog. Isinumpa ko kayong lahat sapagkat ako'y pinagnanakawan ng buong bansa. Dalhin ninyo nang buong-buo ang inyong mga ikasampung bahagi sa tahanan ng Diyos upang matugunan ang pangangailangan sa aking tahanan. Subukin ninyo ako sa bagay na ito, kung hindi ko buksan ang mga bintana ng langit at ibuhos sa inyo ang masaganang pagpapala. Hindi ko rin hahayaang salantain ng mga balang ang inyong mga pananim at mamumunga na nang sagana ang inyong mga ubasan. Dahil dito'y sasabihin ng lahat ng bansa na kayo'y mapalad sapagkat napakainam manirahan sa inyong lupain,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. “Masasakit ang sinabi ninyo tungkol sa akin,” sabi ni Yahweh. “Ngunit ang tanong ninyo, ‘Ano ba ang sinabi namin laban sa inyo?’ Sabi ninyo, ‘Walang saysay ang maglingkod sa Diyos. Ano ba ang mapapala natin sa pagsunod sa kanyang mga utos o sa pagpapakita natin kay Yahweh na nagsisisi tayo sa nagawa nating kasalanan? Hindi ba't kung sino ang palalo ay siya pang pinagpapala? Hindi lamang nananagana ang masasama kundi sinusubok pa nila ang Diyos sa paggawa nila ng kasamaan ngunit hindi sila pinaparusahan.’” Pagkatapos, nag-usap-usap ang mga taong may paggalang kay Yahweh. Pinakinggan niyang mabuti ang kanilang usapan, kaya ipinatala niya sa isang aklat ang mga pangalan ng mga gumagalang sa kanya. “Magiging akin sila,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. “Sa araw na ako'y kumilos, itatangi ko sila bilang sariling akin. Ililigtas ko sila, tulad ng pagliligtas ng isang ama sa anak na naglilingkod sa kanya. Muli ninyong makikita ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama, ng taong naglilingkod sa Diyos at ng hindi naglilingkod sa kanya.” “Darating ang araw na gaya ng isang nagbabagang hurno, tutupukin ang mga palalo at masasama gaya ng dayami at walang matitira sa kanila,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat. “Ngunit sa inyo na nagpaparangal sa akin ay sisikat ang aking katarungan na tulad ng araw, at ang sinag nito'y magpapagaling sa inyo. Lulundag kayo sa tuwa na parang mga guyang pinalaya sa kulungan. Sa araw na ako'y kumilos, magtatagumpay kayo laban sa masasama at sila'y tatapakan ninyo na parang alabok,” sabi ni Yahweh. “Alalahanin ninyo ang mga itinuro ni Moises, ang mga tuntunin at kautusang ibinigay ko sa kanya sa Bundok ng Sinai, upang sundin ng bansang Israel. “Ngunit bago dumating ang kakila-kilabot na araw ni Yahweh, isusugo ko sa inyo si Propeta Elias. Muling magkakasundo ang mga ama at ang mga anak. Kung hindi'y mapipilitan akong magtungo riyan at ganap na wasakin ang inyong bayan.” Ito ang talaan ng mga ninuno ni Jesu-Cristo na mula sa angkan ni David na mula naman sa lahi ni Abraham. Samakatuwid, may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David, labing-apat mula kay David hanggang sa pagkabihag ng mga Israelita sa Babilonia at labing-apat din mula sa pagkabihag sa Babilonia hanggang kay Cristo. Ito ang naganap nang ipanganak si Jesu-Cristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang magpakasal. Ngunit bago sila makasal, nalaman ni Maria na siya'y nagdadalang-tao sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Subalit dahil isang taong matuwid si Jose na kanyang mapapangasawa, at ayaw nitong malagay sa lubos na kahihiyan si Maria, binalak niyang hiwalayan si Maria nang palihim. Ngunit habang pinag-iisipan ito ni Jose, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria, sapagkat ang sanggol na dinadala niya ay mula sa Espiritu Santo. Magsisilang siya ng isang batang lalaki at Jesus ang ipapangalan mo sa sanggol sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.” Nangyari nga ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, “Tingnan ninyo; ‘Maglilihi ang isang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki, at tatawagin itong Emmanuel.’” (Ang kahulugan nito'y “Kasama natin ang Diyos”.) Nang magising si Jose, sinunod nga niya ang utos ng anghel ng Panginoon at pinakasalan niya si Maria. Ngunit hindi niya sinipingan si Maria hanggang magsilang ito ng isang anak na lalaki. At Jesus nga ang ipinangalan ni Jose sa sanggol. Panahon ng paghahari ni Herodes sa Judea nang ipanganak si Jesus sa Bethlehem. Nang siya'y isilang, may mga matatalinong taong mula pa sa silangan ang dumating sa Jerusalem. Nagtanung-tanong sila, “Nasaan ang ipinanganak na hari ng mga Judio? Nakita namin sa silangan ang kanyang bituin, kaya't naparito kami upang siya'y sambahin.” Nang mabalitaan ito ni Haring Herodes, siya'y naligalig, gayundin ang buong Jerusalem. Kaya't tinipon niya ang lahat ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan at sila'y tinanong, “Saan ba isisilang ang Cristo?” Tumugon sila, “Sa Bethlehem po, sapagkat ganito po ang isinulat ng propeta: ‘At Ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Juda, ay hindi pinakahamak sa mga pangunahing bayan ng Juda. Sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinuno na mamamahala sa aking bayang Israel.’” Nang mabatid ito, palihim na ipinatawag ni Herodes ang mga matatalinong tao at inusisa kung kailan lumitaw ang bituin. Pagkatapos, sila ay pinapunta niya sa Bethlehem na ganito ang bilin, “Hanapin ninyong mabuti ang sanggol. Kapag natagpuan ninyo siya, ipagbigay-alam agad ninyo sa akin upang ako man ay pumunta roon at sumamba rin sa kanya.” Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ni Maria na kanyang ina. Nagpatirapa sila at sinamba ang bata. Inihandog din nila sa kanya ang mga dala nilang ginto, insenso at mira. Nang sila'y papauwi na, nakatanggap sila ng babala sa pamamagitan ng panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes, kaya't nag-iba na sila ng daan pauwi. Pagkaalis ng mga matatalinong tao, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, “Bumangon ka't dalhin mo agad sa Egipto ang iyong mag-ina. At huwag kayong aalis doon hangga't hindi ko sinasabi sapagkat hahanapin ni Herodes ang bata upang patayin.” Bumangon nga si Jose at nang gabi ring iyon, dinala niya sa Egipto ang kanyang mag-ina. Doon sila nanirahan hanggang sa mamatay si Herodes. Sa gayon, natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta: “Tinawag ko ang aking anak mula sa Egipto.” Galit na galit si Herodes nang malaman niyang nilinlang siya ng mga matatalinong tao. Kaya't ipinapatay niya ang lahat ng batang lalaki sa Bethlehem at sa palibot nito mula sa gulang na dalawang taon pababa, batay sa panahong sinabi sa kanya ng mga matatalinong tao. Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Jeremias: “Narinig sa Rama ang isang tinig, tinig ng pananangis at ng malakas na panaghoy. Tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak. Ayaw niyang paaliw sapagkat patay na sila.” Pagkamatay ni Herodes, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon habang siya'y nasa Egipto. Sinabi sa kanya ng anghel, “Bumangon ka. Iuwi mo na sa Israel ang iyong mag-ina sapagkat patay na ang mga nagtatangka sa buhay ng bata.” Kaya't bumangon nga si Jose at iniuwi sa Israel ang kanyang mag-ina. Ngunit nang mabalitaan niyang naghahari sa Judea si Arquelao na anak ni Herodes, natakot siyang pumunta roon. At dahil binigyan siya ng babala sa kanyang panaginip, sila ay tumuloy sa Galilea, at doon nanirahan sa bayan ng Nazaret. Sa gayon, natupad ang sinabi ng mga propeta: “Siya'y tatawaging Nazareno.” Nang mga panahong iyon, dumating si Juan na Tagapagbautismo sa ilang ng Judea at nagsimulang mangaral. Ganito ang kanyang sinasabi, “Magsisi na kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit!” Si Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin niya, “Ito ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang: ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!’” Gawa sa balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan at sa balat naman ng hayop ang kanyang sinturon. Ang kanya namang pagkain ay balang at pulot-pukyutan. Dinayo siya ng mga tao mula sa Jerusalem, sa buong Judea at sa magkabilang panig ng Ilog Jordan. Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y binautismuhan niya sa Ilog Jordan. Nang makita niyang lumalapit din sa kanya ang maraming Pariseo at mga Saduseo upang magpabautismo, sinabi niya sa kanila, “Lahi ng mga ulupong! Akala ba ninyo'y makakatakas kayo sa parusa ng Diyos? Patunayan muna ninyo sa inyong mga buhay na kayo'y talagang nagsisisi na, at huwag ninyong akalain na makakaiwas kayo sa parusa ng Diyos dahil sinasabi ninyong ama ninyo si Abraham. Sinasabi ko sa inyo na kahit sa mga batong ito ay makakalikha ang Diyos ng tunay na mga anak ni Abraham. Ngayon pa lamang ay nakahanda na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy; ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy. “Binabautismuhan ko kayo sa tubig bilang tanda ng inyong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan. Ngunit ang darating na kasunod ko ang siyang magbabautismo sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Higit siyang makapangyarihan kaysa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat magdala ng kanyang sandalyas. Hawak na niya ang kanyang kalaykay upang alisin ang dayami. Titipunin niya sa kamalig ang trigo ngunit ang ipa ay susunugin sa apoy na di mamamatay kailanman.” Dumating si Jesus sa Ilog Jordan mula sa Galilea upang magpabautismo kay Juan. Ngunit tumututol si Juan at patuloy na sinabi, “Ako po ang dapat magpabautismo sa inyo! Bakit kayo nagpapabautismo sa akin?” Subalit sumagot si Jesus, “Hayaan mong ito ang mangyari ngayon, sapagkat ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Diyos.” Kaya't pumayag din si Juan. Nang siya'y mabautismuhan, umahon si Jesus sa tubig. Biglang nabuksan ang langit at nakita ni Jesus ang Espiritu ng Diyos na bumababang parang isang kalapati at dumapo sa kanya. At isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan!” Pagkatapos, si Jesus ay dinala ng Espiritu sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. Siya'y nag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi kaya't siya'y nagutom. Dumating ang diyablo at sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, gawin mo ngang tinapay ang mga batong ito.” Ngunit sumagot si Jesus, “Nasusulat, ‘Ang tao'y hindi lamang sa tinapay nabubuhay, kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos.’” Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa Jerusalem, ang banal na lunsod, at pinatayo sa taluktok ng Templo. Sinabi nito sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka, sapagkat nasusulat, ‘Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin, at sa kanilang mga kamay, ika'y aalalayan, nang sa mga bato, paa mo'y hindi masasaktan.’” Ngunit sumagot si Jesus, “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong susubukin ang Panginoon mong Diyos.’” Pagkatapos, dinala naman siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa daigdig at ang kapangyarihan ng mga ito. Sinabi ng diyablo sa kanya, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito kung magpapatirapa ka at sasamba sa akin.” Kaya't sumagot si Jesus, “Lumayas ka Satanas! Sapagkat nasusulat, ‘Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sasambahin. At siya lamang ang dapat mong paglilingkuran.’” Pagkatapos, iniwan na siya ng diyablo. Dumating naman ang mga anghel at siya'y pinaglingkuran nila. Nang mabalitaan ni Jesus na ibinilanggo si Juan, bumalik siya sa Galilea. Ngunit hindi na siya sa Nazaret nanirahan, kundi sa bayan ng Capernaum na nasa baybayin ng Lawa ng Galilea na sakop ng Zebulun at Neftali. Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias, “Lupain ng Zebulun at lupain ng Neftali, daanang papunta sa lawa, sa ibayo ng Jordan, sa Galilea ng mga Hentil! Ang mga taong nasa kadiliman ay nakakita ng maningning na ilaw! Sa mga nakatira sa lilim ng kamatayan ay sumikat ang liwanag.” Magmula noon ay nangaral na si Jesus. Itinuturo niyang, “Magsisi na kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit.” Minsan, naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Nakita niyang naghahagis ng lambat sa lawa ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag ding Pedro, at ang kapatid niyang si Andres. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mangingisda ng mga tao.” Noon di'y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Jesus. Nagpatuloy siya ng paglalakad at nakita rin niya ang magkapatid na Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa bangka kasama ng kanilang ama, at nag-aayos ng lambat. Tinawag din sila ni Jesus. Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Jesus. Nilibot ni Jesus ang buong Galilea. Nagtuturo siya sa mga sinagoga at ipinapangaral ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinapagaling din niya ang lahat ng mga taong may sakit at karamdaman. Ang balita tungkol sa kanya ay kumalat sa buong Siria kaya't dinadala sa kanya ang lahat ng maysakit at mga nahihirapan dahil sa iba't ibang karamdaman, mga sinasapian ng mga demonyo, mga may epilepsya at mga paralitiko. Silang lahat ay kanyang pinagaling. Dahil dito, sinusundan siya ng napakaraming tao buhat sa Galilea, sa Decapolis, Jerusalem, Judea, at maging sa ibayo ng Jordan. Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, umakyat siya sa bundok. Pagkaupo niya lumapit ang kanyang mga alagad at sila'y tinuruan niya. “Mapalad ang mga taong walang inaasahan kundi ang Diyos, sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit. “Mapalad ang mga nagdadalamhati, sapagkat aaliwin sila ng Diyos. “Mapalad ang mga mapagpakumbabá, sapagkat mamanahin nila ang daigdig. “Mapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, sapagkat sila'y bubusugin. “Mapalad ang mga mahabagin, sapagkat kahahabagan sila ng Diyos. “Mapalad ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos. “Mapalad ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan, sapagkat sila'y ituturing na mga anak ng Diyos. “Mapalad ang mga inuusig nang dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos, sapagkat mapapabilang sila sa kaharian ng langit. “Mapalad ang mga nilalait at inuusig ng mga tao, at pinaparatangan ng lahat ng uri ng kasamaan na pawang kasinungalingan nang dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Gayundin ang ginawa ng mga tao sa mga propetang nauna sa inyo.” “Kayo ang asin ng sangkatauhan. Ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Hindi ba wala na itong kabuluhan kundi ang itapon at tapakan ng mga tao? “Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lunsod na nakatayo sa ibabaw ng burol ay hindi maitatago. Wala din namang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay inilalagay iyon sa ilalim ng malaking takalan. Sa halip, inilalagay iyon sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. Gayundin naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit.” “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang ipawalang-bisa ang Kautusan at ang mga Propeta. Naparito ako hindi upang ipawalang-bisa ang mga iyon kundi upang tuparin. Tandaan ninyo: maglalaho ang langit at ang lupa, ngunit ni isang tuldok o kudlit man ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga't hindi natutupad ang lahat. Kaya't sinumang magpawalang-bisa sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayon sa mga tao, ay magiging pinakamababa sa kaharian ng langit. Ngunit ang sumusunod sa Kautusan at nagtuturo sa mga tao na tuparin iyon ay magiging dakila sa kaharian ng langit. Sinasabi ko sa inyo, kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit.” “Narinig ninyo na iniutos ng Diyos sa inyong mga ninuno, ‘Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.’ Ngunit sinasabi ko naman sa inyo, ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman, ang humahamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Sanedrin, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid, ‘Ulol ka!’ ay nanganganib na maparusahan sa apoy ng impiyerno. Kaya't kung mag-aalay ka ng handog sa dambana para sa Diyos at naalala mong may sama ng loob sa iyo ang iyong kapatid, iwan mo muna ang iyong handog sa harap ng dambana at makipagkasundo ka sa kanya. Pagkatapos, magbalik ka at maghandog sa Diyos. “Kung may ibig magsakdal sa iyo, makipag-ayos ka agad sa kanya bago makarating sa hukuman ang inyong kaso. Kung hindi ay dadalhin ka niya sa hukom, at ibibigay ka nito sa tanod, at ikukulong ka naman sa bilangguan. Tandaan mo: hindi ka makakalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang piso na dapat mong bayaran.” “Narinig ninyong sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumingin sa isang babae nang may mahalay na pagnanasa ay nangangalunya na sa babaing iyon sa kanyang puso. Kung ang kanang mata mo ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno. Kung ang iyong kanang kamay naman ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno.” “Sinabi rin naman, ‘Kapag pinalayas at hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa, ito'y dapat niyang bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, kapag pinalayas at hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa, maliban kung ito ay nangangalunya, itinutulak niya ang kanyang asawa sa kasalanang pangangalunya, at sinumang makipag-asawa sa babaing pinalayas at hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya.” “Narinig din ninyong iniutos ng Diyos sa inyong mga ninuno, ‘Huwag kang susumpa nang walang katotohanan; sa halip, tuparin mo ang iyong sinumpaang panata sa Panginoon.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag na kayong manunumpa kapag kayo'y nangangako. Huwag ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang langit,’ sapagkat ito'y trono ng Diyos; o kaya'y, ‘Saksi ko ang lupa,’ sapagkat ito'y kanyang tuntungan. Huwag din ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang Jerusalem,’ sapagkat ito'y lunsod ng dakilang Hari. Huwag mo ring ipanumpa ang iyong ulo, sapagkat ni isang buhok sa iyong ulo ay hindi mo kayang paputiin o paitimin. Sabihin mo na lang na ‘Oo’ kung oo at ‘Hindi’ kung hindi, sapagkat ang anumang sumpang idaragdag dito ay buhat na sa Masama.” “Narinig ninyong sinabi, ‘Mata sa mata at ngipin sa ngipin.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong paghihigantihan ang masamang tao. Kung sinampal ka sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kaliwa. Kung isakdal ka ninuman upang makuha ang iyong damit panloob, ibigay mo ito sa kanya pati ang iyong damit na pangbalabal. Kung pilitin ka ng manlulupig na pasanin ang kanyang dala ng isang milya, pasanin mo iyon ng dalawang milya. Bigyan mo ang nanghihingi sa iyo at huwag mong tanggihan ang nanghihiram sa iyo.” “Narinig ninyong sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa at kamuhian mo ang iyong kaaway.’ Ngunit ito naman ang sinasabi ko, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, upang kayo'y maging tunay na mga anak ng inyong Ama na nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa mabubuti gayon din sa masasama, at nagpapaulan siya sa mga matuwid at sa mga di-matuwid. “Kung ang mga nagmamahal sa inyo ang siya lamang ninyong mamahalin, anong gantimpala ang inyong maaasahan? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga maniningil ng buwis? At kung ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong binabati, ano ang ginagawa ninyong higit kaysa iba? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga Hentil? Kaya maging ganap kayo, gaya ng inyong Ama na nasa langit.” “Pag-ingatan ninyong hindi pakitang-tao lamang ang paggawa ninyo ng mabuti. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Ama na nasa langit. “Kaya nga, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipag-ingay pa gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari. Naglilimos sila sa mga sinagoga at sa mga lansangan upang sila'y mapuri ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Sa halip, kapag naglilimos ka, huwag mo nang ipaalam ito sa pinakamatalik mong kaibigan. Gawin mong lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Ama na nakakakita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo.” “Kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagkunwari. Mahilig silang manalanging nakatayo sa mga sinagoga at sa mga kanto upang makita ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Ama na hindi mo nakikita, at ang iyong Ama na nakakakita ng ginagawa mo sa lihim ang siyang magbibigay sa iyo ng gantimpala. “Sa pananalangin ninyo'y huwag kayong gagamit ng maraming salitang walang kabuluhan, gaya ng ginagawa ng mga Hentil. Ang akala nila'y papakinggan sila ng Diyos dahil sa haba ng kanilang sinasabi. Huwag ninyo silang tutularan. Alam na ng inyong Ama na nasa langit ang inyong kailangan bago pa ninyo ito hingin sa kanya. Ganito kayo mananalangin, ‘Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang iyong pangalan. Nawa'y maghari ka sa amin. Sundin nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit. Bigyan mo kami ngayon ng aming pagkain sa araw-araw; at patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin. At huwag mo kaming hayaang matukso, kundi iligtas mo kami sa Masama!’ “Sapagkat kung pinapatawad ninyo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Ama na nasa langit. Ngunit kung hindi ninyo pinapatawad ang iba, hindi rin naman patatawarin ng inyong Ama ang inyong mga kasalanan.” “Kapag kayo'y nag-aayuno, huwag kayong magmukhang malungkot tulad ng mga mapagkunwari. Hindi sila nag-aayos ng sarili upang mapansin ng mga tao na sila'y nag-aayuno. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Sa halip, kapag nag-aayuno ka, maghilamos ka, lagyan mo ng langis at ayusin mo ang iyong buhok upang huwag mapansin ng mga tao na ikaw ay nag-aayuno. Ang iyong Ama na hindi mo nakikita ang tanging makakaalam nito. Siya, na nakakakita ng ginagawa mo nang lihim, ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo.” “Huwag kayong mag-impok ng mga kayamanan dito sa lupa; dito'y may naninirang insekto at kalawang, at may nakakapasok na magnanakaw. Sa halip, mag-impok kayo ng kayamanan sa langit; doo'y walang naninirang insekto at kalawang, at walang nakakapasok na magnanakaw. Sapagkat kung saan naroroon ang iyong kayamanan, naroroon din ang iyong puso.” “Ang mata ang ilaw ng katawan. Kung malinaw ang iyong paningin, maliliwanagan ang iyong buong katawan. Ngunit kung malabo ang iyong paningin, mapupuno ng kadiliman ang iyong buong katawan. At kung ang liwanag mo'y madilim, ikaw nga ay tunay na nasa kadiliman.” “Walang aliping makakapaglingkod nang sabay sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod nang sabay sa Diyos at sa kayamanan. “Kaya't sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong kakainin at sa inyong iinumin upang kayo'y mabuhay o kaya'y tungkol sa susuutin ng inyong katawan. Hindi ba't ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit? Masdan ninyo ang mga ibon. Hindi sila nagtatanim ni umaani man o kaya'y nagtitipon sa kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba't higit kayong mahalaga kaysa mga ibon? Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng kanyang pagkabalisa? “At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Isipin ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang; hindi sila nagtatrabaho ni gumagawa ng damit. Ngunit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon na napakayaman ay hindi nakapagdamit ng singganda ng isa sa mga bulaklak na ito. Kung dinaramtan ng Diyos ang damo sa parang, na buháy ngayon, at kinabukasan ay iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya sa kanya! “Kaya't huwag kayong mag-alalang baka kayo kapusin sa pagkain, inumin o damit. Hindi ba't ang mga Hentil ang nababahala tungkol sa mga bagay na iyan? Alam na ng inyong Ama na nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng iyan. Ngunit higit sa lahat ay pagsikapan ninyo na kayo'y pagharian ng Diyos at mamuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng inyong pangangailangan. “Kaya nga, huwag ninyong ikabalisa ang para sa araw ng bukas; dahil ang bukas ang bahala sa sarili nito. Sapat na ang inyong mga suliranin sa bawat araw.” “Huwag kayong humatol, nang kayo'y di hatulan. Sapagkat hahatulan kayo ng Diyos ayon sa paghatol ninyo sa iba, at susukatin kayo ayon sa panukat na ginagamit ninyo sa iba. Bakit mo pinapansin ang puwing sa mata ng iyong kapatid ngunit hindi mo pinapansin ang trosong nasa iyong mata? Paano mong masasabi sa iyong kapatid, ‘Halika't aalisin ko ang puwing mo,’ gayong troso ang nasa mata mo? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang trosong nasa iyong mata at sa gayon, makakakita kang mabuti at maaalis mo ang puwing ng iyong kapatid. “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang bagay na banal, baka pagkatapos ay kayo pa ang balingan at sakmalin nila. Huwag ninyong ihagis sa baboy ang inyong mga perlas sapagkat yuyurakan lamang nila ang mga iyon.” “Humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan. Bibigyan ba ninyo ng bato ang inyong anak kapag siya'y humihingi ng tinapay? Bibigyan ba ninyo siya ng ahas kapag siya'y humihingi ng isda? Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit? Bibigyan niya ng mabubuting bagay ang sinumang humihingi sa kanya! “Gawin ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo. Ito ang buod ng Kautusan at ng mga isinulat ng mga propeta.” “Pumasok kayo sa makipot na pintuan. Sapagkat maluwang ang pintuan at malapad ang daang papunta sa kapahamakan, at ito ang dinaraanan ng marami. Ngunit makipot ang pintuan at makitid ang daang papunta sa buhay, at kakaunti ang nagdaraan doon.” “Mag-ingat kayo sa mga hindi tunay na propeta. Lumalapit sila sa inyo na parang tupa, ngunit ang totoo'y mababangis na asong-gubat. Makikilala ninyo sila sa kanilang mga gawa. Mapipitas ba ang ubas sa puno ng dawag, o ang igos sa matitinik na halaman? Mabuti ang bunga ng mabuting puno, subalit masama ang bunga ng masamang puno. Hindi maaaring mamunga ng masama ang mabuting puno at hindi maaaring mamunga ng mabuti ang masamang puno. Ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy. Kaya't makikilala ninyo ang mga hindi tunay na propeta ayon sa kanilang mga gawa.” “Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang mga tao lamang na sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit. Sa Araw ng Paghuhukom marami ang magsasabi sa akin, ‘Panginoon, hindi po ba kami ay nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos, nagpalayas ng mga demonyo at gumawa ng mga himala sa iyong pangalan?’ Ngunit sasabihin ko sa kanila, ‘Hindi ko kayo nakikilala. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan.’” “Kaya't ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay maitutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay na ang pundasyon ay bato. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo iyon sa bato. Ang bawat nakikinig ng aking salita ngunit hindi naman nagsasagawa ng mga aral na ito ay maitutulad naman sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa may buhanginan. Umulan nang malakas, bumaha at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Ito ay bumagsak at lubusang nawasak.” Namangha kay Jesus ang mga tao nang kanilang marinig ang mga katuruang ito sapagkat nagturo siya nang may kapangyarihan, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan. Nang makababa si Jesus mula sa bundok, sinundan siya ng napakaraming tao. Lumapit sa kanya ang isang taong may ketong, lumuhod sa harapan niya, at sinabi, “Panginoon, kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis.” Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Oo, nais kong gumaling ka at maging malinis.” At gumaling at luminis nga agad ang ketongin. Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip, pumunta ka at magpasuri sa pari. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog na iniuutos ni Moises bilang patunay sa mga tao na ikaw nga'y magaling at malinis na.” Pagpasok ni Jesus sa Capernaum, lumapit sa kanya ang isang opisyal ng hukbong Romano at nakiusap, “Ginoo, ang katulong ko po ay naparalisado. Siya po'y nakaratay sa bahay at lubhang nahihirapan.” Sinabi ni Jesus, “Pupuntahan ko siya at pagagalingin.” Ngunit sumagot sa kanya ang opisyal, “Ginoo, hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking bahay. Sabihin lamang po ninyo at gagaling na ang aking katulong. Ako'y nasa ilalim ng mga nakakataas na pinuno at may nasasakupan ding mga kawal. Kapag inutusan ko ang isa, ‘Pumunta ka roon!’ siya'y pumupunta; at ang isa naman, ‘Halika!’ siya'y lumalapit. Kapag sinabi ko sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ ginagawa nga niya iyon.” Namangha si Jesus nang marinig ito at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Tandaan ninyo: hindi pa ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya sa buong Israel. Tandaan ninyo: marami ang darating buhat sa silangan at sa kanluran at dudulog sa hapag na kasalo nina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit. Ngunit ang mga taong dapat sana'y kasama sa kaharian ay itatapon sa kadiliman; mananangis sila doon at magngangalit ang kanilang mga ngipin.” At sinabi ni Jesus sa opisyal, “Umuwi ka na; mangyayari ang hinihiling mo ayon sa iyong pananampalataya.” Sa oras ding iyon ay gumaling ang katulong ng kapitan. Pumunta si Jesus sa bahay ni Pedro at nakita niya roon ang biyenan nito na nakaratay at nilalagnat. Hinawakan ni Jesus ang kamay ng babae at ito'y gumaling agad, bumangon at nagsimulang maglingkod sa kanya. Nang gabing iyon, dinala kay Jesus ang maraming sinasapian ng mga demonyo. Sa isang salita lamang ay pinalayas niya ang masasamang espiritu at pinagaling ang lahat ng may karamdaman. Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias, “Inalis niya ang ating mga kahinaan, pinagaling ang ating mga karamdaman.” Nang makita ni Jesus ang mga tao sa kanyang paligid, iniutos niya sa mga alagad na maghandang tumawid sa kabilang ibayo. Lumapit sa kanya ang isang tagapagturo ng Kautusan at sinabi, “Guro, sasama po ako sa inyo saanman kayo pupunta.” Ngunit sumagot si Jesus, “May mga lungga ang mga asong-gubat at may mga pugad ang mga ibon, ngunit wala man lamang matulugan o mapagpahingahan ang Anak ng Tao.” Isa naman sa mga alagad ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, maaari po bang umuwi muna ako upang ipalibing ko ang aking ama?” Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, “Maglingkod ka sa akin at ipaubaya mo sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay.” Sumakay si Jesus sa bangka, kasama ng kanyang mga alagad. Habang sila'y naglalayag sa lawa, si Jesus ay natutulog. Biglang bumugso ang isang malakas na unos at halos matabunan ng mga alon ang bangka. Dahil sa labis na takot, si Jesus ay nilapitan at ginising ng mga alagad. “Panginoon, tulungan ninyo kami! Lulubog tayo!” sabi nila. Ngunit sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natatakot? Napakaliit naman ng inyong pananampalataya!” Bumangon siya, pinatigil ang hangin at ang mga alon, at bumuti ang panahon. Namangha silang lahat at sinabi, “Ano kayang uri ng tao ito? Maging ang hangin at ang lawa ay sumusunod sa kanya!” Nang dumating si Jesus sa kabilang ibayo, sa lupain ng mga Gadareno, sinalubong siya ng dalawang lalaking sinasapian ng mga demonyo. Sila ay nakatira sa libingan. Napakababangis nila kaya't walang sinuman ang dumaraan doon. Biglang nagsisigaw ang dalawang lalaki, “Ano ang pakialam mo sa amin, Anak ng Diyos? Naparito ka ba upang pahirapan kami kahit hindi pa panahon?” Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng mga baboy na nagsisikain. Nakiusap sa kanya ang mga demonyo, “Kung palalayasin mo kami, hayaan mong pumasok kami sa mga baboy na iyon.” Sinabi ni Jesus, “Sige, lumayas kayo.” Lumabas nga sila sa dalawang lalaki at pumasok sa mga baboy. Ang buong kawan ay biglang sumibad ng takbo papunta sa bangin, nahulog sa lawa at nalunod. Nagtakbuhan papuntang bayan ang mga tagapag-alaga ng mga baboy. Pagdating doon, ipinamalita nila ang buong pangyayari, pati ang naganap sa mga lalaking sinasapian ng demonyo. Kaya't lumabas ang buong bayan upang salubungin si Jesus. Pagkakita sa kanya, ipinakiusap nilang lisanin niya ang kanilang lupain. Sumakay si Jesus sa bangka, tumawid sa kabilang ibayo at tumuloy sa sarili niyang bayan. Pagdating doon, dinala sa kanya ng ilang tao ang isang paralitikong nakaratay sa higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinapatawad ka na sa iyong mga kasalanan.” May ilang tagapagturo ng Kautusan na naroon at sinabi nila sa kanilang sarili, “Nilalapastangan niya ang Diyos.” Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? Ano ba ang mas madali, ang sabihing, ‘pinapatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ang sabihing, ‘tumayo ka at lumakad?’ Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa…” sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!” Tumayo nga ang lalaki at umuwi. Nang makita ito ng mga tao, sila'y natakot at nagpuri sa Diyos na nagbigay ng ganitong kapangyarihan sa mga tao. Pag-alis ni Jesus doon, nakita niya si Mateo na nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka at maglingkod sa akin.” Tumayo nga si Mateo at sumunod sa kanya. Nang si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nasa bahay ni Mateo, dumating ang maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan. Sila'y magkakasalong kumain. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad, “Bakit sumasalo ang inyong guro sa mga maniningil ng buwis at sa mga makasalanan?” Narinig sila ni Jesus at siya ang sumagot, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. Humayo kayo at unawain ang kahulugan nito: ‘Habag ang nais ko at hindi ang inyong handog.’ Sapagkat naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga matuwid.” Lumapit kay Jesus ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo, at siya'y tinanong, “Kami po ay madalas mag-ayuno, gayundin ang mga Pariseo, ngunit bakit hindi po nag-aayuno ang inyong mga alagad?” Sumagot siya, “Dapat bang malungkot ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Kapag wala na ito, saka pa lamang sila mag-aayuno. “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa isang lumang kasuotan. Sapagkat kapag umurong ang bagong tela, mababatak nito ang tinagpian at lalong lalaki ang punit. Wala ring nagsasalin ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag ganoon ang ginawa, puputok ang balat, matatapon ang alak, at mawawasak ang sisidlan. Sa halip, isinasalin ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat; at sa gayon, kapwa ito nagtatagal.” Habang sinasabi ni Jesus ang mga bagay na ito, may dumating namang isang pinuno ng mga Judio. Lumuhod ito sa harap niya at nakiusap, “Kamamatay po lamang ng aking anak na babae; sumama po kayo sa akin at ipatong ninyo ang inyong kamay sa kanya, at siya'y mabubuhay.” Tumayo si Jesus at sumama sa kanya, gayundin ang kanyang mga alagad. Habang sila'y naglalakad, lumapit sa likuran ni Jesus ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo at hinawakan ang laylayan ng kanyang damit. Sinasabi ng babae sa sarili, “Mahawakan ko lamang ang kanyang damit, gagaling na ako.” Lumingon si Jesus at pagkakita sa kanya'y sinabi, “Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Noon di'y gumaling ang babae. Pagdating ni Jesus sa bahay ng pinuno, nakita niya ang mga manunugtog ng plauta at ang mga taong nagkakaingay. Sinabi niya, “Lumabas muna kayo. Hindi patay ang bata; natutulog lamang!” At siya'y kinutya nila. Nang mapalabas na ang mga tao, pumasok si Jesus sa kuwarto, hinawakan niya sa kamay ang bata at ito'y bumangon. Ang pangyayaring ito ay ipinamalita ng mga tao sa buong lupaing iyon. Pag-alis ni Jesus doon, sinundan siya ng dalawang lalaking bulag. Sumisigaw sila habang nasa daan, “Anak ni David, mahabag po kayo sa amin!” Nang si Jesus ay nasa loob na ng bahay, lumapit sa kanya ang mga bulag. Tinanong sila ni Jesus, “Naniniwala ba kayo na mapapagaling ko kayo?” “Opo, Panginoon!” sagot nila. Hinipo niya ang kanilang mga mata at sinabi, “Mangyari ito sa inyo ayon sa inyong pananampalataya.” At nakakita nga sila. Mahigpit na ipinagbilin sa kanila ni Jesus na huwag sasabihin iyon kaninuman. Ngunit nang sila'y makaalis, ipinamalita nila sa buong lupaing iyon ang ginawa sa kanila ni Jesus. Nang paalis na sila, dinala kay Jesus ang isang piping sinasapian ng demonyo. Pinalayas ni Jesus ang demonyo at nakapagsalita agad ang pipi. Namangha ang mga tao at nasabi nila, “Kailanman ay wala pang nakitang katulad nito sa Israel!” Subalit sinabi naman ng mga Pariseo, “Nakapagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo.” Nilibot ni Jesus ang lahat ng mga bayan at nayon doon. Nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga at ipinapangaral ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinagaling din niya ang lahat ng mga taong may sakit at karamdaman. Nang makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila'y nanlulupaypay at litung-lito, parang mga tupang walang pastol. Kaya't sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Napakarami nang aanihin, ngunit kakaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala ng mga mag-aani.” Tinipon ni Jesus ang labindalawang alagad at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng mga may karamdaman. Ito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: si Simon na tinatawag ding Pedro, at si Andres na kanyang kapatid, sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo; si Felipe, si Bartolome, si Tomas, si Mateo na maniningil ng buwis, si Santiago na anak ni Alfeo, at si Tadeo, si Simon na Makabayan, at si Judas Iscariote na nagkanulo kay Jesus. Ang labindalawang ito'y isinugo ni Jesus at kanyang pinagbilinan, “Huwag kayong pupunta sa lugar ng mga Hentil, o sa alinmang bayan ng mga Samaritano. Sa halip, hanapin ninyo ang mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel. Humayo kayo't ipangaral na malapit nang dumating ang kaharian ng langit. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin at linisin ninyo ang mga may ketong, at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad. Huwag kayong magdala ng pera, maging ginto, pilak, o tanso. Sa inyong paglalakbay, huwag din kayong magbaon ng pagkain, bihisan, pampalit na sandalyas, o tungkod, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat na tumanggap ng mga bagay na kanyang ikabubuhay. “Saanmang bayan o nayon kayo dumating, humanap kayo ng taong karapat-dapat pakituluyan at kayo ay tumuloy sa bahay niya habang kayo'y nasa lugar na iyon. Pagpasok ninyo sa bahay, sabihin ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ Kung karapat-dapat ang mga nakatira doon, panatilihin ninyo sa kanila ang inyong pagpapala. Ngunit kung hindi, bawiin ninyo iyon. At kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang tahanan o bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa. Tandaan ninyo: sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang parusang igagawad sa mga mamamayan ng bayang iyon kaysa sa parusang dinanas ng mga taga-Sodoma at taga-Gomorra.” “Tingnan ninyo; isinusugo ko kayo na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Kaya't maging matalino kayong gaya ng ahas at maamo na gaya ng kalapati. Sa pagkakataong iyon, huwag kayong mabahala kung ano ang inyong sasabihin, o kung paano kayo magpapatotoo sapagkat ito'y kusang ipagkakaloob sa inyo. Hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo. “Ipagkakanulo ng kapatid ang kanyang sariling kapatid upang ipapatay, gayundin ang gagawin ng ama sa kanyang anak; at lalabanan ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay ang mga ito. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas. Kapag inusig kayo sa isang bayan, tumakas kayo sa kasunod. Tandaan ninyo: bago ninyo mapuntahan ang lahat ng bayan ng Israel, darating na ang Anak ng Tao. “Walang alagad na nakakahigit sa kanyang guro at walang aliping nakakahigit sa kanyang panginoon. Sapat nang matulad ang alagad sa kanyang guro, at ang alipin sa kanyang panginoon. Kung ang ama ng sambahayan ay tinawag nilang Beelzebul, lalo nang lalaitin nila ang kanyang mga kasambahay.” “Kaya huwag kayong matakot sa kanila. Walang natatago na di malalantad at walang nalilihim na di mabubunyag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim ay ulitin ninyo sa liwanag; at ang ibinubulong sa inyo ay inyong ipagsigawan sa lansangan. Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi naman nakakapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo ay ang Diyos na may kakayahang pumuksa ng katawan at kaluluwa sa impiyerno. Hindi ba't ipinagbibili sa halaga ng isang salaping tanso ang dalawang maya? Gayunman, kahit isa sa kanila'y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama. At kayo, maging ang buhok ninyo'y bilang niyang lahat. Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.” “Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit. Ngunit ang sinumang ikahiya ako sa harap ng mga tao ay ipapahiya ko rin sa harap ng aking Ama na nasa langit.” “Huwag ninyong isiping naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; naparito ako upang magdala ng tabak, hindi kapayapaan. Naparito ako upang paglabanin ang anak na lalaki at ang kanyang ama, ang anak na babae at ang kanyang ina, at ang manugang na babae at ang kanyang biyenang babae. At ang magiging kaaway ng isang tao ay kanya na rin mismong mga kasambahay. “Ang umiibig sa kanyang ama o ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang umiibig sa kanyang anak nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang hindi pumapasan ng kanyang krus at hindi sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nagsisikap na mapanatili ang kanyang buhay ang siyang mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito.” “Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa ito'y propeta ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa propeta; at ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil sa ito'y matuwid ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa taong matuwid. Tandaan ninyo: sinumang magbigay ng kahit isang basong malamig na tubig sa isa sa mga maliliit na ito dahil sa siya'y alagad ko, siya'y tiyak na tatanggap ng gantimpala.” Pagkatapos ng mga tagubiling ito sa kanyang labindalawang alagad, umalis si Jesus upang magturo at mangaral naman sa mga bayang malapit doon. Nakabilanggo na noon si Juan na Tagapagbautismo. Nabalitaan niya ang mga ginagawa ni Cristo kaya't nagsugo siya ng ilang mga alagad upang itanong, “Kayo po ba ang ipinangakong darating, o maghihintay pa kami ng iba?” Sumagot si Jesus, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong naririnig at nakikita. Nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling at lumilinis ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Mapalad ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!” Nang paalis na ang mga alagad ni Juan, nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Bakit kayo nagpunta sa ilang? Ano ang nais ninyong makita? Isa bang tambo na hinihipan ng hangin? Bakit kayo pumunta sa ilang? Para makita ang isang taong may mamahaling kasuotan? Ang mga nagdaramit ng ganyan ay nasa palasyo ng mga hari! Ano nga ba ang nais ninyong makita? Isang propeta? Oo, siya'y propeta. At sinasabi ko sa inyo, siya'y higit pa sa isang propeta. Sapagkat si Juan ang tinutukoy ng kasulatan, ‘Ipadadala ko ang aking sugo na mauuna sa iyo; ihahanda niya ang iyong daraanan.’ Tandaan ninyo: higit na dakila si Juan na Tagapagbautismo kaysa sinumang isinilang sa daigdig, ngunit ang pinakahamak sa kaharian ng langit ay mas dakila kaysa kanya. Mula nang mangaral si Juan na Tagapagbautismo hanggang ngayon, ang kaharian ng langit ay sapilitang pinapasok ng mga taong mararahas. Sapagkat hanggang sa dumating si Juan, ang mga propeta at ang Kautusan ang siyang nagpahayag tungkol sa paghahari ng Diyos. Kung naniniwala kayo sa pahayag na ito, si Juan na nga ang Elias na ipinangakong darating. Makinig ang may pandinig! “Saan ko ihahambing ang mga tao sa panahong ito? Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa plasa at sumisigaw sa kanilang mga kalaro: ‘Tinugtugan namin kayo ng plauta ngunit ayaw ninyong sumayaw! Umawit kami ng awit ng pagluluksa, ngunit ayaw ninyong tumangis!’ Sapagkat nakita nila si Juan na nag-aayuno at di umiinom ng alak, at ang sabi nila, ‘Sinasaniban ng demonyo ang taong iyan.’ Nakita naman nila ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at ang sabi naman nila, ‘Tingnan ninyo ang taong ito! Matakaw, lasenggero at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at makasalanan.’ Gayunman, ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa pamamagitan ng mga gawa nito.” Pagkatapos, sinumbatan ni Jesus ang mga bayang nakasaksi sa maraming himalang ginawa niya roon sapagkat hindi sila nagsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan. Sinabi niya, “Kawawa kayo, mga taga-Corazin! Kawawa kayo, mga taga-Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sanang nagdamit ng sako at naupo sa abo ang mga tagaroon bilang tanda ng kanilang pagsisisi. Ngunit sinasabi ko sa inyo, sa Araw ng Paghuhukom ay mas mabigat na parusa ang sasapitin ninyo kaysa sa mga taga-Tiro at taga-Sidon. At kayong mga taga-Capernaum, maaaring itaas ninyo ang inyong sarili hanggang langit ngunit ibabagsak kayo hanggang sa daigdig ng mga patay! Sapagkat kung sa Sodoma ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, sana'y nananatili pa ang bayang iyon magpahanggang ngayon. Ngunit sinasabi ko sa inyo, sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang parusang daranasin ninyo kaysa sa mga taga-Sodoma.” Nang panahong iyo'y sinabi ni Jesus, “Ama, Panginoon ng langit at lupa, salamat sa iyo, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at inihayag mo naman sa mga may kaloobang tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat ganoon ang nais mo. “Ibinigay na sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga pinili ng Anak na pagpahayagan niya. “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at nabibigatang lubha sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan. Pasanin ninyo ang aking pamatok at sundin ninyo ang aking mga itinuturo sapagkat ako'y maamo at mapagkumbabang loob. Matatagpuan ninyo sa akin ang kapahingahan sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibinibigay ko sa inyo.” Isang Araw ng Pamamahinga, naparaan sina Jesus sa triguhan. Nagugutom ang kanyang mga alagad noon, kaya't sila'y kumuha ng mga butil ng trigo at kumain niyon. Nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila sa kanya, “Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Mahigpit iyang ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga!” Sumagot si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos, kumain ng tinapay na handog at pinakain din niya ang kanyang mga kasama. Labag sa Kautusan ang ginawa nila sapagkat ang mga pari lamang ang may karapatang kumain niyon. Hindi ba ninyo nababasa sa Kautusan na tuwing Araw ng Pamamahinga, ang mga pari ay may ginagawa sa Templo na bawal gawin sa araw na iyon? Gayunma'y hindi sila nagkakasala! Sinasabi ko sa inyo, may isang naririto na higit na dakila kaysa Templo. Kung nauunawaan lamang ninyo ang kahulugan ng mga salitang ito, ‘Habag ang nais ko at hindi ang inyong handog’, hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang sala. Ang Anak ng Tao ay siyang Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.” Pagkaalis ni Jesus sa pook na iyon, pumasok siya sa sinagoga. May isang lalaki roon na paralisado ang isang kamay. Naroon din ang ilang taong naghahanap ng pagkakataong maparatangan si Jesus. Tinanong nila si Jesus, “Naaayon ba sa Kautusan ang magpagaling ng maysakit kung Araw ng Pamamahinga?” Sumagot siya, “Kung kayo'y may tupang mahulog sa balon sa Araw ng Pamamahinga, hindi ba ninyo ito iaahon? Higit na mahalaga ang isang tao kaysa isang tupa! Kaya't naaayon sa Kautusan ang gumawa ng mabuti sa Araw ng Pamamahinga.” Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling gaya ng kabilang kamay. Umalis naman ang mga Pariseong naroroon at nag-usap-usap kung paano nila maipapapatay si Jesus. Nang malaman ito ni Jesus, umalis siya sa lugar na iyon. Maraming tao ang sumunod sa kanya, at pinagaling niya ang lahat ng maysakit. Ngunit mahigpit niyang ipinagbilin na huwag nilang ipamalita kung sino siya. Sa gayon, natupad ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias, “Narito ang lingkod ko na aking hinirang, ang aking minamahal at lubos na kinalulugdan; ibubuhos ko sa kanya ang aking Espiritu, at siya ang magpapairal ng katarungan sa mga bansa. Hindi siya makikipag-away o makikipagsigawan, ni magtataas ng boses sa mga lansangan, hindi niya puputulin ang tambong marupok, hindi rin niya papatayin ang ilawang umaandap, hanggang katarunga'y hindi nagtatagumpay nang ganap; at ang pag-asa ng mga Hentil, sa kanya ay ilalagak.” Dinala noon kay Jesus ang isang lalaking bulag at pipi na sinasapian ng demonyo. Pinagaling siya ni Jesus kaya't siya'y nakakita at nakapagsalita. Namangha ang lahat at sinabi nila, “Ito na kaya ang Anak ni David?” Nang marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, “Nakapagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul, ang pinuno ng mga demonyo.” Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya, “Ang bawat kahariang nahahati at naglalaban-laban ay babagsak, at alinmang bayan o sambahayang naglalaban-laban ay mawawasak. Kaya't kung si Satanas ang nagpapalayas kay Satanas, kinakalaban niya ang kanyang sarili! Kung gayon, paano pa niya mapapanatili ang kanyang kaharian? Kung ako'y nagpapalayas ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul, kaninong kapangyarihan naman nagpapalayas ng demonyo ang inyong mga tagasunod? Ang mga tagasunod ninyo ang magpapatunay na maling-mali kayo. Ngunit kung ako'y nagpapalayas ng mga demonyo sa kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos, nangangahulugang dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos. “Hindi mapapasok ang bahay ng isang taong malakas kung hindi muna siya gagapusin. Kung nakagapos na siya, saka pa lamang malolooban ang bahay niya. Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi ko kasama sa pag-iipon ay nagkakalat. Kaya't sinasabi ko sa inyo, mapapatawad ang anumang kasalanan at paglapastangan, ngunit hindi patatawarin ang anumang paglapastangan sa Espiritu. Sinumang magsalita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin, ngunit sinumang magsalita laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin, maging sa panahong ito o sa panahong darating.” “Sinasabi ninyong mabuti ang punongkahoy kung mabuti ang kanyang bunga at masama ang punongkahoy kung masama ang kanyang bunga, sapagkat sa bunga nakikilala ang puno. Lahi ng mga ulupong! Paano kayong makakapagsabi ng mabubuting bagay gayong kayo'y masasama? Kung ano ang nag-uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng bibig. Mabuti ang sinasabi ng mabuting tao, sapagkat puno ng kabutihan ang kanyang puso. Masama ang sinasabi ng masamang tao, sapagkat puno ng kasamaan ang kanyang puso. “Tandaan ninyo, sa Araw ng Paghuhukom, pananagutan ng tao ang bawat walang kabuluhang salitang sinabi niya. Pawawalang-sala ka, o paparusahan, batay sa iyong mga salita.” Sinabi naman sa kanya ng ilang tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Guro, maaari po bang magpakita kayo sa amin ng isang palatandaan?” Sumagot si Jesus, “Lahing masama at taksil sa Diyos! Naghahanap kayo ng palatandaan ngunit walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang nangyari kay Propeta Jonas. Kung paanong si Jonas ay tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng dambuhalang isda, ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabi ring nasa libingan. Sa Araw ng Paghuhukom, tatayo ang mga taga-Nineve at sasaksi laban sa lahing ito, sapagkat nagsisi sila matapos pangaralan ni Jonas. Ngunit higit pa kay Jonas ang naririto. Sa araw na iyon, sasaksi rin ang Reyna ng Seba laban sa lahing ito. Naglakbay siya mula pa sa dulo ng daigdig upang masaksihan ang karunungan ni Solomon, ngunit higit pa kay Solomon ang naririto ngayon!” “Kapag ang masamang espiritu ay lumabas mula sa isang tao, siya'y gumagala sa mga lupaing tigang upang maghanap ng mapagpapahingahan. Kung wala itong matagpuan ay sinasabi sa sarili, ‘Babalik ako sa tahanang aking pinanggalingan.’ Pagbalik niya at makita itong walang laman, malinis at maayos, aalis muna siya't magsasama pa ng pitong espiritung mas masama pa kaysa kanya at papasok sila at maninirahan doon. Dahil dito, ang kanyang magiging kalagayan ay mas masama pa kaysa dati. Ganyan ang mangyayari sa masamang lahing ito.” Ngunit sinabi niya, “Sino ang aking ina at sinu-sino ang aking mga kapatid?” Itinuro niya ang kanyang mga alagad at sinabi, “Sila ang aking ina at mga kapatid. Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit, iyon ang aking ina at mga kapatid.” Noon ding araw na iyon, si Jesus ay lumabas ng bahay at naupo sa tabi ng lawa. Dahil sa dami ng taong lumalapit sa kanya, sumakay siya sa isang bangka at doon naupo. Tumayo naman sa dalampasigan ang mga tao at sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinhaga. Ganito ang sinabi niya: “May isang magsasakang lumabas upang maghasik. Sa kanyang paghahasik ay may mga binhing nalaglag sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May mga binhi namang nalaglag sa mabatong lupa. Dahil manipis lang ang lupa roon, sumibol agad ang mga binhi, ngunit natuyo agad ang mga ito nang mabilad sa matinding init ng araw, palibhasa'y mababaw ang ugat. May mga binhi namang nalaglag sa may matitinik na halaman. Lumago ang mga halamang ito at sinakal ang mga binhing tumubo doon. Ngunit ang mga binhing nahasik sa matabang lupa ay namunga; may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu. Makinig ang may pandinig!” Lumapit ang mga alagad at tinanong si Jesus, “Bakit po ninyo dinadaan sa talinhaga ang inyong pagtuturo sa kanila?” Sumagot siya, “Ipinagkaloob sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng langit, ngunit hindi ito ipinagkaloob sa kanila. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinhaga sapagkat tumitingin sila ngunit hindi nakakakita, at nakikinig ngunit hindi naman nakakarinig ni nakakaunawa man. Natutupad nga sa kanila ang propesiya ni Isaias na nagsasabi, ‘Makinig man kayo nang makinig subalit hindi ninyo mauunawaan kailanman, at tumingin man kayo nang tumingin subalit hindi rin kayo makakakita kailanman. Sapagkat naging mapurol na ang isip ng mga taong ito; mahirap makarinig ang kanilang mga tainga, at ipinikit nila ang kanilang mga mata, kung hindi gayon, sana'y nakakita ang kanilang mga mata, nakarinig ang kanilang mga tainga, nakaunawa ang kanilang mga isip, at nagbalik-loob sila sa akin, at pinagaling ko sila.’ “Subalit mapalad kayo sapagkat nakakakita ang inyong mga mata at nakakarinig ang inyong mga tainga! Tandaan ninyo: maraming propeta at matutuwid na tao ang naghangad na makita ang inyong nasasaksihan at marinig ang inyong napapakinggan subalit hindi nila ito nakita ni narinig.” “Pakinggan ninyo ang kahulugan ng talinhaga tungkol sa manghahasik. Kapag ang isang tao ay dumirinig ng mensahe tungkol sa paghahari ng Diyos ngunit hindi naman niya iyon inuunawa, siya ay katulad ng binhing nalaglag sa daan. Dumarating ang Masama at agad inaalis sa kanyang isip ang mensaheng kanyang napakinggan. “Ang katulad naman ng binhing nalaglag sa mabatong lupa ay ang taong dumirinig ng mensahe. Kaagad at masaya niya itong tinanggap ngunit hindi tumimo ang mensahe sa kanyang puso. Sandali lamang itong nanatili, at pagdating ng mga kapighatian at pagsubok dahil sa mensahe, agad siyang tumatalikod sa kanyang pananampalataya. “Ang binhi namang nahulog sa may damuhang matinik na halaman ay naglalarawan ng mga taong dumirinig ng mensahe ngunit dahil sa pagkabalisa sa maraming mga bagay at pagkahumaling sa kayamanan, ang mensahe ay nawalan ng puwang sa kanilang puso at ito ay hindi nagkaroon ng bunga sa taong iyon. “At ang katulad naman ng binhing napahasik sa matabang lupa ay ang mga taong dumirinig at umuunawang mabuti sa mensahe, kaya't ito ay namumunga nang sagana, may tigsasandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu.” Nagsalaysay muli si Jesus sa kanila ng isa pang talinhaga. Sinabi niya, “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. Isang gabi, habang natutulog ang mga tao, dumating ang kanyang kaaway, naghasik ng mapanirang damo sa triguhan at saka umalis. Nang tumubo at magbunga ang trigo, lumitaw din ang mapanirang damo. Kaya't pumunta ang mga utusan sa may-ari ng bukid at nagtanong, ‘Hindi po ba mabuting binhi lamang ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Bakit po may damo ngayon?’ Sumagot siya, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ Tinanong siya ng mga utusan, ‘Bubunutin po ba namin ang mga damo?’ ‘Huwag, baka mabunot pati ang mga trigo,’ sagot niya. ‘Hayaan na lamang ninyong lumago kapwa ang damo at ang trigo hanggang sa anihan. Pag-aani'y sasabihin ko sa mga tagapag-ani, ipunin muna ninyo ang mga damo at inyong pagbigkis-bigkisin at saka sunugin. Pagkatapos, ipunin naman ninyo ang trigo sa aking kamalig.’” Sa pagpapatuloy, isa pang talinhaga ang isinalaysay ni Jesus sa kanila. “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang bukid. Ang buto ng mustasa ang pinakamaliit sa lahat ng binhi. Ngunit pagtubo nito, ito'y nagiging mas malaki kaysa alin mang halaman at nagiging punongkahoy, kaya't nakakapagpugad ang mga ibon sa mga sanga nito.” Nagsalaysay pa si Jesus ng ibang talinhaga. “Ang kaharian ng langit ay katulad ng pampaalsa na inihalo ng isang babae sa tatlong bakol na harina, kaya't umalsa ang minasang harina.” Ang lahat ng ito ay sinabi ni Jesus sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinhaga, at wala siyang itinuro sa kanila nang hindi sa pamamagitan ng talinhaga. Sa gayon, natupad ang sinabi ng propeta: “Magsasalita ako sa pamamagitan ng mga talinhaga, ihahayag ko ang mga bagay na nalilihim mula pa nang likhain ang daigdig.” Pagkatapos, iniwan ni Jesus ang mga tao at pumasok siya sa bahay. Lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanya, “Ipaliwanag nga po ninyo sa amin ang talinhaga tungkol sa mapanirang damong tumubo sa bukid.” Sumagot si Jesus, “Ang naghahasik ng mabubuting binhi ay ang Anak ng Tao, ang bukid ay ang daigdig, ang mabuting binhi ay ang mga taong kabilang sa kaharian at ang mapanirang damo naman ay ang mga kabilang sa Masama. Ang kaaway na naghasik ng damo ay walang iba kundi ang diyablo. Ang panahon ng pag-aani ay ang katapusan ng daigdig at ang mga tagapag-ani naman ay ang mga anghel. Kung paanong ang mga damo ay tinitipon at sinusunog, ganoon din ang mangyayari sa katapusan ng daigdig. Ipag-uutos ng Anak ng Tao sa kanyang mga anghel na tipunin nila mula sa kanyang kaharian ang lahat ng nagiging sanhi ng pagkakasala at ang lahat ng gumagawa ng masama. Ihahagis nila ang mga ito sa lumalagablab na pugon at doon ay mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin. Ngunit ang mga gumagawa ng matuwid ay magliliwanag na parang araw sa kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang may pandinig!” “Ang kaharian ng langit ay katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nahukay ito ng isang tao ngunit agad itong tinabunan. Tuwang-tuwa siyang umalis at ibinenta ang lahat ng kanyang ari-arian upang bilhin ang bukid na iyon.” “Ang kaharian ng langit ay katulad din ng isang negosyante na naghahanap ng mga mamahaling perlas. Nang makakita siya ng isang perlas na napakahalaga, umuwi siya't ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang perlas na iyon.” “Ang kaharian ng langit ay katulad din ng isang malaking lambat na inihagis sa lawa at nakahuli ng sari-saring isda. Nang mapuno ang lambat, hinila ito sa pampang. Naupo ang mga tao habang tinitipon nila sa sisidlan ang mabubuting isda at itinatapon naman ang mga isdang hindi mapapakinabangan. Gayundin ang mangyayari sa katapusan ng daigdig, darating ang mga anghel, ihihiwalay ang masasama sa mga matuwid, at ihahagis ang masasama sa naglalagablab na apoy. Doo'y mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin.” “Nauunawaan na ba ninyo ang lahat ng ito?” tanong ni Jesus. “Opo,” sagot nila. At sinabi niya sa kanila, “Kaya nga, ang bawat tagapagturo ng Kautusan na kumikilala sa kaharian ng langit ay katulad ng isang pinuno ng sambahayan na naglalabas ng mga bagay na bago at luma mula sa kanyang taguan ng kayamanan.” Umalis si Jesus mula roon matapos niyang isalaysay ang mga talinhagang ito. Umuwi siya sa kanyang bayan at nagturo sa kanilang sinagoga. Nagtaka ang mga nakarinig sa kanya, kaya't kanilang itinanong, “Saan kumuha ng ganyang karunungan ang taong iyan? Paano siya nakakagawa ng mga himala? Hindi ba siya ay anak ng isang karpintero? Hindi ba si Maria ang kanyang ina at sina Santiago, Jose, Simon, at Judas ang kanyang mga kapatid? At tagarito rin ang kanyang mga kapatid na babae, di ba? Saan kaya niya natutuhan ang lahat ng iyan?” At siya'y hindi nila pinaniwalaan. Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta'y iginagalang kahit saan maliban sa kanyang sariling bayan at sariling sambahayan.” At dahil ayaw nilang maniwala kay Jesus, hindi siya roon gumawa ng maraming himala. Ang balita tungkol kay Jesus ay nakarating kay Herodes na gobernador ng Galilea, kaya't nasabi niya sa kanyang mga lingkod, “Si Juan na Tagapagbautismo iyon! Siya'y muling nabuhay kaya't nakakagawa ng mga himala!” Itong si Herodes ang nagpahuli kay Juan. Ipinagapos niya ito at ipinabilanggo dahil kay Herodias na asawa ng kapatid niyang si Felipe. Sapagkat sinabi ni Juan kay Herodes, “Hindi matuwid na magsama kayo ng asawa ng iyong kapatid.” Ibig ni Herodes na ipapatay si Juan, ngunit natatakot siya sa mga Judio sapagkat kinikilala nilang propeta si Juan na Tagapagbautismo. Nang sumapit ang kaarawan ni Herodes, sumayaw ang anak na babae ni Herodias sa harap ng mga panauhin. Labis na nasiyahan si Herodes, kaya't sumumpa siyang ibibigay sa dalaga ang anumang hingin nito. Sa udyok ng kanyang ina, sinabi ng dalaga sa hari, “Ibigay po ninyo sa akin ngayon din, sa isang pinggan, ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.” Nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang pangakong narinig ng mga panauhin, iniutos niyang ibigay sa dalaga ang ulo ni Juan. Kaya't pinapugutan niya si Juan sa bilangguan. Inilagay ang ulo sa isang pinggan at ibinigay ito sa dalaga. Dinala naman ito ng dalaga sa kanyang ina. Dumating ang mga alagad ni Juan, kinuha ang kanyang bangkay at inilibing. Pagkatapos, ibinalita nila kay Jesus ang nangyari. Nang marinig ni Jesus ang pagkamatay ni Juan, sumakay siya sa isang bangka at pumunta sa isang lugar na walang tao. Ngunit nang mabalitaan naman iyon ng mga tao, sila'y naglakad papalabas sa kani-kanilang bayan at sinundan si Jesus. Pagdating ni Jesus sa dalampasigan, nakita niya ang napakaraming taong iyon. Nahabag siya sa kanila kaya't pinagaling niya ang mga maysakit na dala nila. Nang dapit-hapon na'y lumapit sa kanya ang mga alagad. Sinabi nila, “Malapit na pong lumubog ang araw at ilang ang lugar na ito. Papuntahin na po ninyo sa mga kalapit na nayon ang mga tao upang makabili ng kanilang makakain.” “Hindi na sila kailangang umalis. Kayo ang magpakain sa kanila,” sabi ni Jesus. Sumagot sila, “Wala po tayong pagkain kundi limang tinapay lamang at dalawang isda.” “Dalhin ninyo rito,” sabi niya. Pinaupo niya sa damuhan ang mga tao. Kinuha ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga tinapay at iniutos sa mga alagad na ipamahagi iyon sa mga tao. Nakakain at nabusog ang lahat. Nang ipunin ng mga alagad ang natirang pagkain, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing ng tinapay. May limanlibong lalaki ang nakakain, bukod pa sa mga babae at mga bata. Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo. Samantala, pinauwi naman niya ang mga tao. Matapos niyang paalisin ang mga ito, mag-isa siyang umakyat sa bundok upang manalangin. Nag-iisa siyang inabutan doon ng gabi. Samantala, ang bangka ay nasa laot na ngunit sinasalpok ito ng mga alon dahil pasalungat ito sa hangin. Nang madaling-araw na'y sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Kinilabutan sa takot ang mga alagad nang makita nilang may lumalakad sa ibabaw ng tubig. “Multo!” sigaw nila. Ngunit nagsalita agad si Jesus at sinabi sa kanila, “Huwag kayong matakot, ako ito!” Sinabi ni Pedro, “Panginoon, kung talagang ikaw nga iyan, hayaan mong ako'y pumunta sa iyong kinaroroonan diyan sa ibabaw ng tubig.” Sumagot siya, “Halika.” Mula sa bangka ay lumakad si Pedro sa ibabaw ng tubig papunta kay Jesus. Ngunit nang mapansin niya na malakas ang hangin, siya'y natakot at nagsimulang lumubog. “Panginoon, sagipin ninyo ako!” sigaw niya. Agad siyang inabot ni Jesus. “Bakit ka nag-alinlangan? Napakaliit ng iyong pananampalataya!” sabi niya kay Pedro. Pagkasakay nila sa bangka, tumigil ang hangin at sinamba siya ng mga nasa bangka. “Tunay nga pong kayo ang Anak ng Diyos!” sabi nila. Tumawid sila ng lawa at dumating sila sa baybayin ng Genesaret. Si Jesus ay nakilala ng mga tagaroon at agad nilang ipinamalita ang kanyang pagdating, kaya't dinala ng mga tao ang lahat ng maysakit sa buong lupaing iyon. Hiniling nila kay Jesus na mahawakan man lamang ng mga maysakit ang laylayan ng kanyang damit; at ang lahat ng gumawa nito ay nagsigaling. Pagkatapos, lumapit kay Jesus ang ilang Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, at siya'y tinanong nila, “Bakit nilalabag ng mga alagad mo ang mga katuruang minana natin sa ating mga ninuno? Kumakain sila nang hindi muna naghuhugas ng kamay ayon sa paraang ipinag-uutos!” Sinagot sila ni Jesus, “Bakit naman ninyo nilalabag ang utos ng Diyos dahil sa inyong mga tradisyon? Sinabi ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama at ina’ at, ‘Ang sinumang lumait sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.’ Ngunit itinuturo ninyo na kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Ang anumang maitutulong ko sa inyo ay naihandog ko na sa Diyos’ hindi na niya kailangang tulungan ang kanyang ama. Pinawawalang-kabuluhan ninyo ang salita ng Diyos masunod lamang ninyo ang inyong minanang mga katuruan. Mga mapagkunwari! Tama nga ang sinabi ni propeta Isaias tungkol sa inyo, ‘Ang paggalang sa akin ng bayang ito ay pakunwari lamang, sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal. Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba, sapagkat itinuturo nilang galing sa Diyos ang kanilang mga utos.’” Pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Pakinggan ninyo at unawain ang aking sasabihin. Ang lumalabas sa bibig ng tao, hindi ang pumapasok, ang siyang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Diyos.” Pagkatapos, lumapit naman ang mga alagad at sinabi sa kanya, “Hindi po ba ninyo alam na nasaktan ang mga Pariseo sa sinabi ninyo?” Sumagot siya, “Ang bawat halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa langit ay bubunutin. Hayaan ninyo sila. Sila'y mga bulag na tagaakay ng mga bulag; at kapag bulag ang umakay sa kapwa bulag, pareho silang mahuhulog sa hukay.” Sinabi sa kanya ni Pedro, “Ipaliwanag nga po ninyo sa amin ang talinhagang ito.” At sinabi ni Jesus, “Pati ba kayo'y wala ring pang-unawa? Hindi ba ninyo nalalaman na anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan at pagkatapos ay idinudumi? Ngunit ang lumalabas sa bibig ay nanggagaling sa puso. Iyan ang nagpaparumi sa tao. Sapagkat sa puso nanggagaling ang masasamang kaisipan, pagpatay, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagiging saksi para sa kasinungalingan, at paninirang-puri. Iyan ang nagpaparumi sa tao sa paningin ng Diyos. Hindi nagiging marumi ang isang tao kung siya man ay kumain nang hindi muna naghuhugas ng kamay sa paraang naaayon sa minanang katuruan.” Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lupaing malapit sa Tiro at Sidon. Isang Cananea na nakatira doon ang lumapit sa kanya na sumisigaw, “Panginoon, Anak ni David, maawa po kayo sa akin! Ang anak kong babae ay sinasapian ng demonyo at labis na pinapahirapan nito.” Ngunit hindi sumagot si Jesus. Lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi kay Jesus, “Paalisin na nga po ninyo siya. Napakaingay niya at sunod nang sunod sa atin.” Sumagot si Jesus, “Sa mga naliligaw na tupa ng sambahayan ng Israel lamang ako isinugo.” Ngunit lumapit sa kanya ang babae, lumuhod ito at nagmakaawa, “Tulungan po ninyo ako, Panginoon.” Sumagot si Jesus, “Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga bata at ibigay sa mga aso.” “Totoo nga, Panginoon. Ngunit ang mga aso man po ay kumakain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon,” tugon ng babae. At sinabi sa kanya ni Jesus, “Napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari ang hinihiling mo.” At noon di'y gumaling ang kanyang anak. Pag-alis doon, nagbalik si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Umakyat siya sa bundok at naupo upang magturo. Nagdatingan naman ang napakaraming taong may dalang mga pilay, bulag, lumpo, pipi, at marami pang ibang maysakit. Dinala nila ang mga ito sa paanan ni Jesus at sila'y pinagaling niya. Kaya't namangha ang mga tao nang makita nilang nakapagsasalita na ang mga pipi, gumaling ang mga lumpo, nakakalakad na ang mga pilay, at nakakakita na ang mga bulag. Kaya't pinuri nila ang Diyos ng Israel. Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Nahahabag ako sa mga taong ito. Tatlong araw na ngayong kasama natin sila at wala na silang pagkain. Ayokong paalisin sila nang gutom, baka sila mahilo sa daan.” Sinabi naman ng mga alagad, “Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain para sa ganito karaming tao sa ilang na ito?” “Ilan pang tinapay ang nariyan?” tanong ni Jesus sa kanila. “Pito po, at mayroon pang ilang maliliit na isda,” sagot nila. Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao. Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nagpasalamat siya sa Diyos. Pagkatapos, pinaghati-hati niya ang mga iyon at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Nakakain at nabusog ang lahat, at nang ipunin ng mga alagad ang tinapay na lumabis, nakapuno pa sila ng pitong kaing. May apat na libong lalaki ang nakakain, bukod pa sa mga babae at mga bata. Nang napauwi na ni Jesus ang mga tao, sumakay siya sa bangka at nagtungo sa lupain ng Magadan. Lumapit kay Jesus ang ilang Pariseo at Saduseo. Upang siya'y subukin, humingi sila sa kanya ng isang himala mula sa langit. Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Kapag dapit-hapon ay sinasabi ninyo, ‘Magiging maganda ang panahon bukas dahil maaliwalas ang langit.’ At kapag umaga nama'y sinasabi ninyo, ‘Uulan ngayon dahil madilim ang langit.’ Nakakabasa kayo ng palatandaan sa langit, ngunit hindi ninyo mabasa ang mga palatandaan ng kasalukuyang panahon. Lahing masama at taksil sa Diyos! Naghahanap kayo ng palatandaan, ngunit walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang nangyari kay Jonas!” Pagkatapos nito, umalis si Jesus. Nang tumawid sa ibayo ang mga alagad, nakalimutan nilang magdala ng tinapay. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang ginagamit ng mga Pariseo at mga Saduseo.” Nag-usap-usap ang mga alagad, “Kasi wala tayong dalang tinapay, kaya sinabi niya iyon.” Alam ni Jesus ang pinag-uusapan nila kaya't sila'y tinanong, “Bakit ninyo pinag-uusapang kayo'y walang dalang tinapay? Napakaliit ng inyong pananampalataya! Wala pa ba kayong pagkaunawa hanggang ngayon? Nakalimutan na ba ninyo kung paanong pinaghati-hati ang limang tinapay para sa limanlibong tao? Ilang kaing na tinapay ang lumabis? Gayundin ang pitong tinapay para sa apat na libo! Ilang kaing na tinapay ang lumabis? Hindi tungkol sa tinapay ang sinasabi ko nang sabihin ko sa inyong mag-ingat kayo sa pampaalsang ginagamit ng mga Pariseo at mga Saduseo! Hindi ba ninyo maunawaan ito?” At naunawaan nila na sila'y pinag-iingat niya sa mga katuruan ng mga Pariseo at mga Saduseo, at hindi sa pampaalsang ginagamit sa tinapay. Nang dumating si Jesus sa bayan ng Cesarea ng Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Ano ang sinasabi ng mga tao patungkol sa Anak ng Tao?” At sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan kayo si Juan na Tagapagbautismo. Sabi po naman ng iba, kayo si Elias. At may nagsasabi pong kayo si Jeremias, o isa sa mga propeta.” Tinanong ulit sila ni Jesus, “Ngunit para sa inyo, sino ako?” Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buháy.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito'y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Ama na nasa langit. At sinasabi ko sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya at ang pintuan ng daigdig ng mga patay ay hindi magtatagumpay laban sa kanya. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit. Ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot din sa langit.” At mahigpit niyang iniutos sa kanyang mga alagad na huwag sabihin kaninuman na siya nga ang Cristo. Mula noon ay ipinaalam na ni Jesus sa kanyang mga alagad ang mangyayari sa kanya. Sinabi niya, “Dapat akong magtungo sa Jerusalem at magdanas ng maraming hirap sa kamay ng mga pinuno ng bayan, mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Ako'y papatayin, ngunit sa ikatlong araw ako'y muling mabubuhay.” Dinala siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagalitan, “Panginoon, huwag nawang itulot ng Diyos! Kailanma'y hindi iyan mangyayari sa inyo.” Ngunit hinarap siya ni Jesus at sinabihan, “Umalis ka sa harapan ko, Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip mo'y hindi sa Diyos kundi sa tao.” Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito. Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? Ano ba ang maibabayad ng isang tao para mabawi niya ang kanyang buhay? Sapagkat darating ang Anak ng Tao na kasama ang kanyang mga anghel, at taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama. Sa panahong iyo'y gagantimpalaan niya ang bawat tao ayon sa ginawa nito. Tandaan ninyo: may ilan sa inyong naririto na hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikita ang Anak ng Tao na dumarating bilang hari.” Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus si Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan, at sila'y umakyat sa isang mataas na bundok. Habang sila'y naroroon, nakita nilang nagbago ang anyo ni Jesus, nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha at nagningning sa kaputian ang kanyang damit. Nakita na lamang ng tatlong alagad sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Jesus. Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti't naririto kami. Kung gusto ninyo, gagawa ako ng tatlong kubol, isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.” Habang nagsasalita pa si Pedro, nililiman sila ng napakaliwanag na ulap. Mula rito'y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!” Nang marinig ng mga alagad ang tinig, labis silang natakot at nagpatirapa. Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinawakan. “Tumayo kayo, huwag kayong matakot!” sabi niya. Nang tumingin sila, si Jesus na lamang ang kanilang nakita. Habang sila'y bumababa sa bundok, iniutos sa kanila ni Jesus, “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang inyong nasaksihan hangga't hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao.” Tinanong siya ng mga alagad, “Bakit po sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na dapat munang dumating si Elias?” Sumagot siya, “Paparito nga si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. At sinasabi ko sa inyo, pumarito na si Elias ngunit hindi siya kinilala ng mga tao, at ginawa nila kay Elias ang gusto nila. Kaya't tulad ng ginawa sa kanya, pahihirapan din nila ang Anak ng Tao.” Naunawaan ng mga alagad na si Juan na Tagapagbautismo ang tinutukoy niya. Nang sila'y makabalik, napakaraming tao ang kanilang nadatnan. Lumapit kay Jesus ang isang lalaki at lumuhod ito sa harap niya, at nagsabi, “Ginoo, maawa po kayo sa anak ko! Siya po'y may epilepsya at lubhang nahihirapan kapag sinusumpong. Madalas po siyang mabuwal sa apoy o kaya'y mahulog sa tubig. Dinala ko po siya sa inyong mga alagad ngunit siya'y hindi nila mapagaling.” Sumagot si Jesus, “Lahing napakasama at walang pananampalataya! Hanggang kailan ako dapat manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!” Inutusan ni Jesus ang demonyo na lumabas sa bata, at ang bata'y gumaling agad. Pagkatapos, lumapit ang mga alagad at tinanong si Jesus, nang wala na ang ibang nakakarinig, “Bakit po hindi namin mapalayas ang demonyo?” Nang magkatipon sa Galilea ang mga alagad, sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang Anak ng Tao ay pagtataksilan at papatayin, ngunit siya'y muling bubuhayin sa ikatlong araw.” At sila'y lubhang nalungkot. Pagdating nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis para sa templo. “Nagbabayad ba ng buwis para sa templo ang inyong guro?” tanong nila. “Opo,” sagot ni Pedro. Nang pumasok siya sa bahay, tinanong siya ni Jesus, “Ano sa palagay mo, Simon? Sino ang dapat magbayad ng buwis sa hari ng isang bansa, ang mga mamamayan ba, o ang mga dayuhan?” “Ang mga dayuhan po,” tugon ni Pedro. Sinabi ni Jesus, “Kung gayon, hindi dapat magbayad ang mga mamamayan. Gayunman, para wala silang masabi sa atin, pumunta ka sa lawa at mamingwit ka. Kunin mo ang unang isdang mahuli mo, ibuka mo ang bibig niyon, at may makikita kang isang malaking salaping pilak. Kunin mo iyon at ibayad mo para sa buwis nating dalawa.” Nang mga sandaling iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” Tumawag si Jesus ng isang bata, pinatayo sa harap nila at sinabi, “Tandaan ninyo: kapag hindi kayo nagbago at naging katulad ng mga bata, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit. Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit. Ang sinumang tumatanggap sa isang batang katulad nito alang-alang sa akin, ako ang kanyang tinatanggap.” “Mas mabuti pa sa isang tao ang siya'y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bato at ihulog sa kailaliman ng dagat kaysa siya'y maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananampalataya sa akin. Kahabag-habag ang daigdig sa dami ng mga tuksong nagiging sanhi ng pagkakasala! Hindi nga maiiwasan ang pagdating ng tukso, ngunit kakila-kilabot ang sasapitin ng taong pinanggagalingan nito. “Kung ang iyong kamay o paa ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo iyon at itapon! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na putol ang isang kamay o isang paa, kaysa kumpleto ang iyong dalawang kamay at dalawang paa na itatapon sa apoy na hindi namamatay. Kung ang mata mo naman ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na bulag ang isang mata, kaysa may dalawang mata kang itapon sa apoy ng impiyerno.” “Ano sa akala ninyo ang gagawin ng isang taong may sandaang tupa kung nawala ang isa sa mga iyon? Hindi ba niya iiwan ang siyamnapu't siyam sa bundok upang hanapin ang naligaw? Tandaan ninyo: kapag ito'y kanyang natagpuan, higit niyang ikinagagalak ang isang ito kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. Gayundin naman, ayaw ng inyong Ama na nasa langit na mapahamak ang isa sa maliliit na ito.” “Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan tungkol sa kanyang kamalian. Kapag nakinig siya sa iyo, naibalik mo sa dati ang pagsasamahan ninyong magkapatid. Ngunit kung ayaw niyang makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. Kung ayaw niyang makinig sa kanila, sabihin mo sa iglesya ang nangyari. At kung ayaw pa rin niyang makinig sa iglesya, ituring mo siyang parang Hentil o isang maniningil ng buwis.” “Tandaan ninyo: anumang ipagbawal ninyo dito sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang pahintulutan ninyo dito sa lupa ay pahihintulutan sa langit. “Tandaan din ninyo: kung ang dalawa sa inyo ay nagkaisa dito sa lupa sa paghingi ng anuman sa pananalangin, ito'y ipagkakaloob sa inyo ng aking Ama na nasa langit. Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon sa pangalan ko, naroon akong kasama nila.” Lumapit si Pedro at nagtanong kay Jesus, “Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang kapatid kong paulit-ulit na nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?” Sinagot siya ni Jesus, “Hindi ko sinasabing pitong beses, kundi pitumpung ulit na pito. Sapagkat ang kaharian ng langit ay katulad nito: ipinasya ng isang hari na hingan ng ulat ang kanyang mga alipin tungkol sa kanilang mga utang. Unang dinala sa kanya ang aliping may utang na milyun-milyong piso. Dahil sa siya'y walang maibayad, iniutos ng hari na ipagbili siya, pati ang kanyang asawa, mga anak, at lahat ng kanyang ari-arian, upang siya'y makabayad. Lumuhod ang taong ito sa harapan ng hari at nagmakaawa, ‘Bigyan pa po ninyo ako ng panahon at babayaran ko sa inyo ang lahat.’ Naawa sa kanya ang hari kaya't pinatawad siya sa kanyang pagkakautang at pinalaya. “Ngunit pagkaalis roon ay nakatagpo niya ang isa niyang kamanggagawa na may utang na ilang daang piso sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg, sabay sigaw, ‘Magbayad ka ng utang mo!’ Lumuhod ito at nagmakaawa sa kanya, ‘Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran kita.’ Ngunit hindi siya pumayag. Sa halip, ito'y ipinabilanggo niya hanggang sa makabayad. “Labis na nagdamdam ang ibang mga tauhan ng hari nang malaman iyon, kaya't pumunta sila sa hari at isinumbong ang buong pangyayari. Ipinatawag ng hari ang malupit na lingkod. ‘Napakasama mo!’ sabi niya. ‘Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. Naawa ako sa iyo. Hindi ba't dapat ka rin sanang nahabag sa kapwa mo?’ At sa galit ng hari, siya'y ipinabilanggo hanggang sa mabayaran ang lahat ng kanyang utang. Gayundin ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung hindi ninyo patatawarin nang buong puso ang inyong mga kapatid.” Pagkatapos niyang ipangaral ang mga bagay na ito, umalis si Jesus sa Galilea at nagtungo sa lupain ng Judea, sa kabila ng Ilog Jordan. Sinundan siya ng napakaraming tao, at doo'y pinagaling niya ang mga maysakit. May ilang Pariseong lumapit sa kanya at nagtangkang humanap ng maipaparatang sa pamamagitan ng tanong na ito, “Naaayon ba sa Kautusan na palayasin at hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa sa kahit anong dahilan?” Sumagot si Jesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa sa kasulatan na sa pasimula'y nilalang ng Diyos ang tao na lalaki at babae? At siya rin ang nagsabi, ‘Dahil dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina, at magsasama sila ng kanyang asawa at sila'y magiging isa.’ Hindi na sila dalawa kundi iisa, kaya't ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinuman.” Tinanong siya ng mga Pariseo, “Kung gayon, bakit iniutos ni Moises na bigyan ng lalaki ang kanyang asawa ng isang kasulatan ng paghihiwalay bago niya palayasin at hiwalayan ito?” Sumagot si Jesus, “Ipinahintulot ni Moises na palayasin at hiwalayan ninyo ang inyong asawa dahil sa katigasan ng inyong ulo. Subalit hindi ganoon sa pasimula. Ito ang sinasabi ko sa inyo, sinumang lalaking magpalayas at humiwalay sa kanyang asawa, maliban kung ang asawa niya'y nangangalunya, at mag-asawa ng iba, ay nagkakasala ng pangangalunya.” Sinabi naman ng mga alagad, “Kung ganyan po ang kalagayan ng lalaki sa kanyang asawa, mabuti pang huwag na siyang mag-asawa.” Sumagot si Jesus, “Hindi lahat ay kayang tumanggap ng aral na ito kundi sila lamang na pinagkalooban ng Diyos. Sapagkat may iba't ibang dahilan kung bakit may mga lalaking hindi makapag-asawa: ang ilan ay dahil sa kanilang katutubong kalagayan; ang iba nama'y naging ganoon dahil sa kagagawan ng ibang tao; mayroon namang hindi nag-aasawa alang-alang sa kaharian ng langit. Dapat itong gawin ng taong nakakaunawa sa katuruang ito.” May nagdala ng mga bata kay Jesus upang ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay at sila'y ipanalangin. Ngunit pinagalitan sila ng mga alagad. Sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng langit.” Ipinatong nga niya sa mga bata ang kanyang kamay, at pagkatapos, siya'y umalis. May isa namang lalaking lumapit kay Jesus at nagtanong, “Guro, ano pong kabutihan ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?” Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatanong kung ano ang mabuti? Iisa lang ang mabuti. Ngunit kung nais mong magkamit ng buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga Kautusan ng Diyos.” “Alin sa mga iyon?” tanong niya. Sumagot si Jesus, “Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; igalang mo ang iyong ama at ina; at ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” Sinabi ng binata, “Tinutupad ko na po ang lahat ng iyan. Ano pa po ang dapat kong gawin?” Sumagot si Jesus, “Kung ibig mong maging ganap, ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi sa mga mahihirap ang pinagbilhan. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” Pagkarinig nito, malungkot na umalis ang binata sapagkat siya'y napakayaman. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Tandaan ninyo: napakahirap sa isang mayaman ang makapasok sa kaharian ng langit! Inuulit ko, mas madali pang makadaan sa butas ng karayom ang isang kamelyo, kaysa makapasok sa kaharian ng Diyos ang isang mayaman.” Nagtaka ang mga alagad nang marinig ito kaya't naitanong nila, “Kung gayon, sino po ang maliligtas?” Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.” Nagsalita naman si Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan namin ang lahat at kami'y sumunod sa inyo. Ano po naman ang para sa amin?” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tandaan ninyo: kapag naghahari na ang Anak ng Tao sa kanyang trono ng kaluwalhatian sa bagong daigdig, kayong sumunod sa akin ay uupo din sa labindalawang trono upang mamuno sa labindalawang lipi ng Israel. Kapag iniwan ninuman ang kanyang tahanan, mga kapatid na lalaki at babae, ama, ina, mga anak, o mga lupain alang-alang sa akin ay tatanggap siya ng sandaang ibayo at pagkakalooban siya ng buhay na walang hanggan. Ngunit maraming nauuna na magiging huli, at maraming nahuhuli na mauuna.” “Ang kaharian ng langit ay maitutulad sa isang taong lumabas nang maagang-maaga upang humanap ng manggagawa para sa kanyang ubasan. Nang magkasundo na sila sa upa na isang salaping pilak sa maghapon, ang mga manggagawa ay pinapunta niya sa kanyang ubasan. Lumabas siyang muli nang mag-aalas nuwebe ng umaga at nakakita siya ng iba pang tatayu-tayo lamang sa palengke. Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta din kayo at magtrabaho sa aking ubasan, at bibigyan ko kayo ng karampatang upa.’ At pumunta nga sila. Lumabas na naman siya nang mag-aalas dose ng tanghali at nang mag-aalas tres ng hapon, at ganoon din ang ginawa niya. Nang mag-aalas singko na ng hapon, siya'y lumabas muli at nakakita pa ng mga ibang wala ring ginagawa. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit tatayu-tayo lang kayo dito sa buong maghapon?’ ‘Kasi po'y walang magbigay sa amin ng trabaho,’ sagot nila. Kaya't sinabi niya, ‘Kung gayon, pumunta kayo at magtrabaho sa aking ubasan.’ “Nang gumagabi na, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo na ang mga manggagawa at bayaran mo sila magmula sa huli hanggang sa unang nagtrabaho.’ Ang mga nagsimula nang mag-aalas singko ng hapon ay tumanggap ng tig-iisang salaping pilak. Nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang tatanggap sila nang higit doon; ngunit ang bawat isa'y binayaran din ng tig-iisang salaping pilak. Nang magkagayo'y nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. Sinabi nila, ‘Isang oras lamang gumawa ang mga huling dumating, samantalang maghapon kaming nagtrabaho at nagtiis sa nakakapasong init ng araw. Bakit naman pinagpare-pareho ninyo ang aming upa?’ Sumagot ang may-ari ng ubasan sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi ba't nagkasundo tayo sa isang salaping pilak? Kunin mo ang para sa iyo at umalis ka na. Ano sa iyo kung ibig kong bayaran ang nahuli nang tulad ng ibinayad ko sa iyo? Wala ba akong karapatang gawin sa ari-arian ko ang aking maibigan? Kayo ba'y naiinggit dahil ako'y nagmagandang-loob sa iba?’” At sinabi ni Jesus, “Ang nahuhuli ay mauuna, at ang nauuna ay mahuhuli.” Nang nasa daan na sila papuntang Jerusalem, ibinukod ni Jesus ang labindalawang alagad at sinabi sa kanila, “Pupunta tayo sa Jerusalem. Doo'y ipagkakanulo ang Anak ng Tao sa mga punong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. Hahatulan siya ng kamatayan at ibibigay sa mga Hentil. Siya'y kukutyain, hahagupitin at ipapako sa krus ngunit muli siyang bubuhayin ng Diyos sa ikatlong araw.” Lumapit kay Jesus ang asawa ni Zebedeo, kasama ang dalawa niyang anak na lalaki. Lumuhod siya sa harapan ni Jesus upang sabihin ang kanyang kahilingan. “Ano ang gusto mo?” tanong ni Jesus. Sumagot siya, “Kapag naghahari na po kayo, paupuin ninyo sa inyong tabi ang dalawa kong anak, isa sa kanan at isa sa kaliwa.” “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi,” sabi ni Jesus sa kanila. “Maiinuman ba ninyo ang kopa na malapit ko ng inuman?” “Opo,” tugon nila. At sinabi ni Jesus, “Daranasin nga ninyo ang hirap na titiisin ko. Ngunit wala sa akin ang pagpapasya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga upuang iyo'y para sa pinaglalaanan ng aking Ama.” Nang marinig ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. Dahil dito, pinalapit sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Alam ninyo na ang mga pinuno ng mga Hentil ang naghahari sa kanila, at ang mga dinadakila ang siyang nasusunod. Hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Kung nais ninyong maging dakila, dapat kayong maging lingkod sa iba, at kung sinuman sa inyo ang nagnanais maging una, siya ay dapat maging alipin ninyo. Sapagkat maging ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ialay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng marami.” Pag-alis nila sa Jerico, si Jesus ay sinundan ng napakaraming tao. Doon ay may dalawang bulag na nakaupo sa tabi ng daan. Nang marinig nilang dumaraan si Jesus, sila'y nagsisigaw, “Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa amin!” Pinagsabihan sila ng mga tao at pinapatahimik, ngunit lalo silang nagsisigaw, “Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa amin!” Tumigil si Jesus, tinawag sila at tinanong, “Ano ang gusto ninyong gawin ko para sa inyo?” Sumagot sila, “Panginoon, gusto po naming makakitang muli!” Nahabag si Jesus sa kanila at hinipo ang kanilang mga mata. Agad silang nakakita, at sila'y sumunod sa kanya. Malapit na sa Jerusalem nang sila ay dumaan sa Bethfage, sa Bundok ng mga Olibo. Inutusan ni Jesus ang dalawa sa kanyang mga alagad, “Pumunta kayo sa susunod na nayon at makikita ninyo kaagad doon ang isang inahing asno na nakatali, kasama ang kanyang anak. Kalagan ninyo ang mga iyon at dalhin sa akin. Kapag may nagtanong sa inyo, sabihin ninyong kailangan iyon ng aming Panginoon at ipapaubaya niya agad ang mga iyon sa inyo.” Sa gayon, natupad ang sinabi ng propeta: “Sa lunsod ng Zion ay ipahayag ninyo, ‘Tingnan mo, ang hari mo'y dumarating. Siya'y mapagpakumbabá; masdan mo't siya'y nakasakay sa isang asno, at sa isang batang asno na anak ng isang babaing asno.’” Lumakad nga ang mga alagad at ginawa ang iniutos ni Jesus. Dinala nila kay Jesus ang inahing asno at ang anak nito, at isinapin sa likod ng mga ito ang kanilang balabal. Pagkatapos, sumakay dito si Jesus. Maraming naglatag ng kanilang balabal sa daan; mayroon namang pumutol ng mga sanga ng kahoy at ito'y inilatag sa daan. Nagsisigawan ang mga taong nauuna at sumusunod sa kanya. Sigaw nila, “Purihin ang anak ni David! Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Diyos!” Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem, nagulo ang buong lunsod. “Sino kaya ito?” tanong nila. “Si Jesus, ang propetang taga-Nazaret sa Galilea,” sagot ng karamihan. Pumasok si Jesus sa Templo at ipinagtabuyan niyang palabas ang mga nagbibili at namimili roon. Ipinagtataob niya ang mga mesa ng mga namamalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng kalapati. Sinabi niya, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan.’ Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw.” Habang si Jesus ay nasa Templo, lumapit sa kanya ang mga bulag at mga pilay, at sila'y kanyang pinagaling. Nagalit ang mga punong pari at ang mga tagapagturo ng Kautusan nang makita nila ang mga himalang ginawa niya at marinig ang mga batang sumisigaw sa loob ng Templo ng, “Purihin ang Anak ni David!” Sinabi nila kay Jesus, “Di mo ba naririnig ang sinasabi nila?” “Naririnig ko!” tugon ni Jesus. “Bakit? Hindi pa ba ninyo nababasa ang ganitong pangungusap sa kasulatan: ‘Pinalabas mo sa bibig ng mga sanggol at ng mga pasusuhin ang wagas na papuri?’” Iniwan sila ni Jesus at lumabas siya ng lunsod papuntang Bethania. Doon siya nagpalipas ng gabi. Kinaumagahan, nang si Jesus ay pabalik sa lunsod, siya'y nakaramdam ng gutom. Nakita niya ang isang puno ng igos sa tabi ng daan at nilapitan iyon. Wala siyang nakitang bunga kundi mga dahon lamang. Kaya't sinabi niya dito, “Hindi ka na mamumunga kailanman!” Agad na natuyo ang puno. Nakita ng mga alagad ang nangyari at sila'y namangha. “Paanong natuyo agad ang puno ng igos?” tanong nila. Sumagot si Jesus, “Tandaan ninyo: kung kayo'y mananalig sa Diyos at hindi mag-aalinlangan, magagawa rin ninyo ang ginawa ko sa puno ng igos na ito. Hindi lamang iyan, kung sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Umalis ka riyan, at tumalon ka sa dagat,’ mangyayari ang inyong sinabi. Anumang hingin ninyo sa panalangin ay tatanggapin ninyo kung nananalig kayo.” Pumasok si Jesus sa Templo. Habang siya'y nagtuturo doon, lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang mga pinuno ng bayan, at siya'y tinanong, “Ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng karapatang gumawa nito?” Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. Kapag sinagot ninyo ang tanong ko, saka ko sasabihin sa inyo kung ano ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito. Kanino nagmula ang karapatan ni Juan upang magbautismo, sa Diyos ba o sa tao?” Kaya't sila'y nag-usap-usap, “Kung sasabihin nating mula sa Diyos, sasabihin naman niya sa atin, ‘Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?’ Ngunit kung sasabihin nating mula sa tao, baka naman kung ano ang gawin sa atin ng mga taong-bayan, sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta.” Kaya't sumagot sila kay Jesus, “Hindi namin alam!” Sinabi naman niya sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung ano ang karapatan kong gumawa ng mga ginagawa ko.” “Ano ang palagay ninyo rito? May isang taong may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa nakatatanda at sinabi, ‘Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at magtrabaho ka roon.’ Sino sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanyang ama?” “Ang nakatatanda po,” sagot nila. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tandaan ninyo: ang mga maniningil ng buwis at ang mga bayarang babae ay nauuna pa sa inyong pasakop sa paghahari ng Diyos. Sapagkat naparito sa inyo si Juan at itinuro ang pagsunod sa kalooban ng Diyos, at hindi ninyo siya pinaniwalaan, ngunit naniwala sa kanya ang mga maniningil ng buwis at ang mga bayarang babae. Nakita ninyo ito subalit hindi pa rin kayo nagsisi't tumalikod sa inyong mga kasalanan, at hindi rin kayo naniwala sa kanya.” “Pakinggan ninyo ang isa pang talinhaga,” sabi ni Jesus. “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Binakuran niya ang ubasan, nilagyan ng pisaan, at tinayuan ng isang mataas na bantayan. Pagkatapos, ang ubasan ay kanyang pinaalagaan sa mga katiwala at siya'y nagpunta sa ibang lupain. Nang dumating ang panahon ng pitasan ng ubas, pinapunta ng may-ari ng ubasan ang kanyang mga tauhan upang kunin sa mga katiwala ang kanyang kaparte. Ngunit sinunggaban ng mga katiwala ang mga tauhan; binugbog nila ang isa, pinatay ang ikalawa, at binato naman ang ikatlo. Pinapunta uli ng may-ari ang mas marami pang tauhan ngunit ganoon din ang ginawa ng mga katiwala sa mga ito. Sa kahuli-huliha'y pinapunta niya ang kanyang anak na lalaki. Sabi niya sa sarili, ‘Marahil nama'y igagalang nila ang aking anak.’ Ngunit nang makita ng mga katiwala ang anak, sila'y nag-usap-usap, ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo! Patayin natin siya upang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’ Kaya't siya'y sinunggaban nila, inilabas sa ubasan at pinatay.” At tinanong sila ni Jesus, “Pagbalik ng may-ari ng ubasan, ano kaya ang gagawin niya sa mga taong iyon?” Sumagot sila, “Lilipulin niya ang mga masasamang iyon at paaalagaan ang ubasan sa ibang katiwala na magbibigay sa kanya ng kaparte sa panahon ng pamimitas.” Nagpatuloy si Jesus, “Hindi pa ba ninyo nababasa ang talatang ito sa Kasulatan? ‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong-panulukan. Ginawa ito ng Panginoon, at ito'y kahanga-hangang pagmasdan!’ “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, ang kaharian ng Diyos ay kukunin sa inyo at ibibigay sa mga taong tapat na maglilingkod sa kanya. Ang bumagsak sa batong ito ay magkakadurug-durog at ang mabagsakan nito'y magkakaluray-luray.” Narinig ng mga punong pari at ng mga Pariseo ang mga talinhaga ni Jesus at naunawaan nilang sila ang pinapatamaan niya. Siya'y dadakpin sana nila ngunit natakot sila sa mga tao, sapagkat kinikilala ng mga ito na si Jesus ay isang propeta. Muling nagsalita sa kanila si Jesus sa pamamagitan ng talinhaga. Sinabi niya, “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang haring nagdaos ng isang handaan para sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Isinugo niya ang kanyang mga lingkod upang tawagin ang mga inanyayahan, ngunit ayaw nilang dumalo. Muli siyang nagsugo ng ibang mga lingkod at kanyang pinagbilinan ng ganito: ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan na nakahanda na ang mga pagkain, napatay na ang aking mga baka at mga pinatabang guya, at handa na ang lahat. Halina kayo!’ Ngunit hindi ito pinansin ng mga inanyayahan. Sa halip, pumunta sila sa kani-kanilang lakad. May nagpunta sa kanyang bukid at mayroon namang nag-asikaso ng kanyang negosyo. Sinunggaban naman ng iba ang mga lingkod, hinamak at pinatay. Galit na galit ang hari kaya't pinapunta niya ang kanyang mga kawal upang puksain ang mga mamamatay-taong iyon at sunugin ang kanilang lunsod. Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang mga lingkod, ‘Nakahanda na ang mga pagkain ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Pumunta kayo sa mga lansangang matao at inyong anyayahan sa kasalan ang lahat ng makita ninyo.’ Pumunta nga sa mga pangunahing lansangan ang mga lingkod at isinama nila ang lahat ng kanilang natagpuan, masasama't mabubuti, at napuno ng mga panauhin ang bulwagang pangkasalan. “Pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin. Nakita niya ang isang taong hindi nakadamit pangkasalan. Tinanong niya ito, ‘Kaibigan, bakit ka pumasok dito nang hindi nakasuot ng damit pangkasalan?’ Hindi nakasagot ang tao, kaya't sinabi ng hari sa mga lingkod, ‘Talian ninyo ang kanyang kamay at paa, at itapon siya sa kadiliman sa labas. Doo'y mananangis siya at magngangalit ang kanyang mga ngipin.’” Pagkatapos nito'y sinabi ni Jesus, “Marami ang tinatawag, ngunit kakaunti ang pinili.” Umalis ang mga Pariseo at nag-usap-usap kung paano nila mahuhuli si Jesus sa kanyang pananalita. Kaya pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa kanilang mga alagad kasama nang ilang tagasunod ni Herodes. Sinabi ng mga sugo, “Guro, nalalaman naming kayo'y tapat at itinuturo ninyo nang buong katotohanan ang ibig ng Diyos na gawin ng mga tao. Wala kayong itinatangi sapagkat pareho ang pagtingin ninyo sa mga tao. Ano po ang palagay ninyo? Naaayon ba sa Kautusan na magbayad ng buwis sa Emperador, o hindi?” Alam ni Jesus ang kanilang masamang layunin kaya't sinabi niya, “Kayong mga mapagkunwari! Bakit nais ninyo akong hulihin? Ipakita ninyo sa akin ang isang salaping pambuwis.” At ipinakita nga nila ang isang salaping pilak. “Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit diyan?” tanong ni Jesus. “Sa Emperador po,” tugon nila. Kaya't sinabi niya sa kanila, “Kung gayon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa kanya, at sa Diyos ang para sa Diyos.” Namangha sila nang marinig ito, at sila'y umalis. Nang araw ding iyon, may lumapit kay Jesus na ilang Saduseo. Ang mga ito ay hindi naniniwalang muling mabubuhay ang mga patay. Sinabi nila, “Guro, itinuro po ni Moises na kung mamatay na walang anak ang isang lalaki, ang kanyang kapatid ay dapat pakasal sa nabiyuda upang magkaanak sila para sa namatay. Noon po'y may pitong magkakapatid na lalaki rito sa amin. Nag-asawa ang panganay at namatay siyang walang anak, kaya't ang kanyang asawa ay pinakasalan ng kanyang kapatid. Gayundin po ang nangyari sa pangalawa, sa pangatlo, hanggang sa pampito. Pagkamatay nilang lahat, namatay naman ang babae. Ngayon, sino po sa pito ang magiging asawa niya sa muling pagkabuhay, yamang siya'y napangasawa nilang lahat?” Sumagot si Jesus, “Maling-mali ang iniisip ninyo, palibhasa'y hindi ninyo nauunawaan ang mga Kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos. Sa muling pagkabuhay, ang mga tao'y hindi na mag-aasawa; sila ay magiging tulad ng mga anghel sa langit. Tungkol naman sa muling pagkabuhay ng mga patay, hindi pa ba ninyo nababasa sa Kasulatan ang sinabi sa inyo ng Diyos? Sabi niya, ‘Ako nga ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.’ Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buháy.” Nang marinig ito ng mga tao, namangha sila sa kanyang katuruan. Nagtipun-tipon ang mga Pariseo nang mabalitaan nilang napatahimik ni Jesus ang mga Saduseo. Isa sa kanila, na dalubhasa sa Kautusang Judio, ang nagtanong kay Jesus upang subukin ito. “Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” tanong niya. Sumagot si Jesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang katuruan ng mga propeta.” Tinanong naman ni Jesus ang mga Pariseong nagkakatipon doon. “Ano ang pagkaalam ninyo tungkol sa Cristo? Kanino siyang anak?” “Kay David po,” sagot nila. Sabi ni Jesus, “Kung gayon, bakit siya tinawag ni David na ‘Panginoon’ nang nasa kanya ang Espiritu? Ganito ang kanyang sinabi, ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon: Maupo ka sa kanan ko, hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.’ Ngayon, kung si David ay tumawag sa kanya ng ‘Panginoon,’ paanong masasabing anak ni David ang Cristo?” Isa man sa kanila'y walang nakasagot, at mula noo'y wala nang nangahas magtanong sa kanya. Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad, “Ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. Kaya't gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos, ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang ginagawa sapagkat hindi nila tinutupad ang kanilang ipinapangaral. Pinagpapasan nila ng mabibigat na dalahin ang mga tao, ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagdadala ng mga iyon. Pawang pakitang-tao ang kanilang mga gawa. Nilalaparan nila ang mga lalagyan ng talata sa kanilang noo at braso, at hinahabaan ang palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Ang nais nila ay ang mga upuang pandangal sa mga handaan at ang mga tanging upuan sa sinagoga. Gustung-gusto nilang iginagalang sila sa mga palengke, at tawaging ‘guro.’ Ngunit kayo, huwag kayong patawag na ‘guro,’ sapagkat iisa ang inyong Guro at kayong lahat ay magkakapatid. Huwag ninyong tawaging ama ang sinumang tao sa lupa sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Ama na nasa langit. Huwag kayong patawag na tagapagturo, sapagkat iisa ang inyong tagapagturo, ang Cristo. Ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo. Ang nagmamataas ay ibababâ, at ang nagpapakumbabá ay itataas.” “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nilalakbay ninyo ang karagatan at ginagalugad ang buong daigdig makahikayat lamang kayo ng kahit isang Hentil sa pananampalatayang Judio. Ngunit kung ito'y mahikayat, ginagawa ninyo siyang masahol pa kaysa sa inyo. Kaya't lalong may dahilan para siya'y parusahan sa impiyerno. “Kahabag-habag kayo, mga bulag na tagaakay! Itinuturo ninyo na kung gagamitin ninuman ang Templo sa panunumpa, walang anuman ito. Ngunit kung ang gagamitin niya sa panunumpa ay ang ginto ng Templo, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa. Mga bulag! Mga hangal! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto, o ang Templong nagpapabanal sa ginto? Sinasabi rin ninyo na kung gagamitin ninuman ang dambana sa panunumpa, walang anuman ito. Ngunit kung ang gagamitin niya ay ang handog na nasa dambana, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa. Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang dambana na nagpapabanal sa handog? Kaya nga, kapag nanumpa ang sinuman na saksi ang dambana, ginagawa niyang saksi ito at ang lahat ng handog dito. Kapag nanumpa ang sinuman na saksi niya ang Templo, ginagawa niyang saksi ito at ang Diyos na nasa Templo. At kapag nanumpa ang sinuman na saksi niya ang langit, ginagawa niyang saksi ang trono ng Diyos at ang Diyos na nakaupo doon. “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Ibinibigay ninyo ang ikasampung bahagi ng naaani ninyong yerbabuena, ruda, linga, ngunit kinakaligtaan naman ninyong isagawa ang mas mahahalagang turo sa Kautusan: ang katarungan, ang pagkahabag, at ang katapatan. Huwag ninyong kaligtaang gawin ang mga ito kahit na tamang gawin ninyo ang pagbibigay ng ikasampung bahagi ng ani. Mga bulag na tagaakay! Sinasala ninyo ang kulisap sa inyong inumin, ngunit nilulunok naman ninyo ang kamelyo! “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng tasa at pinggan, ngunit ang mga iyon ay puno ng kasakiman at pagiging makasarili. Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang nasa loob ng tasa, at magiging malinis din ang labas nito! “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Ang katulad ninyo'y mga libingang pinaputi, magaganda sa labas, ngunit ang loob ay bulok at puno ng kalansay. Ganyang-ganyan kayo! Sa paningin ng tao'y mabubuti, ngunit ang totoo'y punung-puno kayo ng pagkukunwari at kasamaan.” “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Ipinagpapatayo ninyo ng libingan ang mga propeta, at pinapaganda ang mga puntod ng mga taong namuhay nang matuwid. Sinasabi pa ninyo, ‘Kung kami sana'y nabuhay sa kapanahunan ng aming mga ninuno, hindi kami sasama sa pagpatay sa mga propeta.’ Sa sinabi ninyong iyan, inaamin na ninyong kayo'y mga anak ng mga nagpapatay sa mga propeta! Sige! Tapusin ninyo ang pinasimulan ng inyong mga ninuno! Mga ahas! Lahi ng mga ulupong! Hindi kayo makakaiwas na maparusahan sa impiyerno! Kaya nga, magsusugo ako sa inyo ng mga propeta, mga matatalinong tao at mga tagapagturo! Papatayin ninyo ang ilan sa kanila, at ang iba'y ipapako sa krus. Ang iba'y hahagupitin ninyo sa inyong mga sinagoga at uusigin sa bayan-bayan. Kaya nga, paparusahan kayo dahil sa pagkamatay ng lahat ng taong pinatay na walang sala, magmula kay Abel hanggang kay Zacarias na anak ni Baraquias. Pinatay ninyo si Zacarias sa pagitan ng Templo at ng dambanang sunugan ng mga handog. Tandaan ninyo: ang parusa sa lahat ng mga pagpatay na iyon ay mararanasan ng mga taong nabubuhay ngayon.” “Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga isinugo sa iyo! Ilang ulit kong sinikap na kupkupin ang iyong mga anak, gaya ng pag-aaruga ng isang inahin sa kanyang mga sisiw, ngunit ayaw ninyo. Kaya't ang inyong Templo ay iiwanang tiwangwang. Sinasabi ko sa inyo, hindi na ninyo ako makikita hanggang dumating ang oras na sabihin ninyo, ‘Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!’” Lumabas si Jesus sa Templo. Paalis na siya nang lumapit ang mga alagad at itinuro sa kanya ang mga gusali ng Templo. Sinabi niya sa kanila, “Nakikita ba ninyo ang mga gusaling iyan? Tandaan ninyo! Darating ang araw na wala riyang matitirang bato sa ibabaw ng kapwa bato. Lahat ay iguguho!” Noon, si Jesus ay nasa Bundok ng mga Olibo. Habang siya'y nakaupo roon, palihim siyang tinanong ng kanyang mga alagad, “Kailan po ba mangyayari ang mga sinabi ninyo? Ano po ang magiging palatandaan ng inyong muling pagparito at ng katapusan ng mundo?” Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ninuman! Maraming paparito sa pangalan ko at magpapanggap na sila ang Cristo, at marami silang maililigaw. Makakarinig kayo ng mga labanan at makakabalita ng mga digmaan sa iba't ibang dako. Ngunit huwag kayong mababahala dahil talagang mangyayari ang mga iyon, bagama't hindi pa iyon ang katapusan ng mundo. Maglalaban-laban ang mga bansa at gayundin ang mga kaharian. Magkakaroon ng taggutom at lilindol sa maraming lugar. Ang lahat ng mga ito'y pasimula pa lamang ng mga paghihirap na tulad sa isang babaing nanganganak. “Sa mga panahong iyon, kapopootan kayong lahat dahil sa inyong pagsunod sa akin. Isasakdal kayo upang pahirapan at patayin, at dahil dito'y marami ang tatalikod sa kanilang pananampalataya. Mapopoot sila at magtataksil sa isa't isa. Marami ang magpapanggap na propeta at ililigaw ang mga tao. Ang kasamaa'y lalaganap, kaya't manlalamig ang pag-ibig ng marami. Ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas. Ipapangaral sa buong sanlibutan ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos upang ang lahat ng bansa ay makarinig nito. At kung maganap na ito, darating na ang katapusan.” “Unawain ninyo itong mabuti: kapag nakita ninyong nagaganap na sa Dakong Banal ang kasuklam-suklam na kalapastanganang tinutukoy ni Propeta Daniel, ang mga nasa Judea ay dapat tumakas papunta sa kabundukan, ang nasa bubungan ay huwag nang mag-abala pang kumuha ng kahit ano sa loob ng bahay, at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi upang kumuha ng balabal. Sa mga araw na iyon, kawawa ang mga nagdadalang-tao at mga nagpapasuso! Ipanalangin ninyo na ang inyong pagtakas ay huwag mapataon sa taglamig o sa Araw ng Pamamahinga. Sapagkat sa panahong iyon, ang mga tao'y magdaranas ng matinding kapighatiang hindi pa nararanasan mula nang likhain ang sanlibutan hanggang sa ngayon, at hindi na mararanasan pa kahit kailan. Sa katunayan, kung hindi paiikliin ng Diyos ang panahong iyon, walang taong maliligtas. Ngunit alang-alang sa mga hinirang ng Diyos, paiikliin ang panahong iyon. “Kung may magsasabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala. Sapagkat may lilitaw na mga huwad na mesiyas at mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga kamangha-manghang himala at mga kababalaghan upang iligaw ang marami kahit na ang mga hinirang ng Diyos. Tandaan ninyo, ipinagpauna ko nang sabihin ito upang kayo'y makapaghanda. “Kaya't kung sabihin nila sa inyo, ‘Naroon siya sa ilang,’ huwag kayong pumunta roon. Kung sabihin naman nilang, ‘Naroon siya sa silid,’ huwag kayong maniniwala. Sapagkat darating ang Anak ng Tao na parang kidlat na gumuguhit mula sa silangan hanggang sa kanluran. “Kung saan may bangkay, doon nagkakatipon ang mga buwitre.” “Pagkatapos ng kapighatian sa mga panahong iyon, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalawakan. Pagkatapos, lilitaw sa langit ang tanda ng Anak ng Tao at mananangis ang lahat ng bansa. Makikita nila ang Anak ng Tao na nasa alapaap at dumarating na may dakilang kapangyarihan at kadakilaan. Sa hudyat ng malakas na tunog ng trumpeta, susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na sulok ng daigdig at titipunin nila ang mga hinirang mula sa lahat ng dako.” “Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos; kapag ang mga sanga nito ay umuusbong at nagkakadahon na, alam ninyong malapit na ang tag-araw. Gayundin naman, kapag nakita ninyo ang lahat ng ito, malalaman ninyong malapit na ang pagdating ng Anak ng Tao, talagang malapit na. Tandaan ninyo, magaganap ang lahat ng ito bago mamatay ang mga taong nabubuhay ngayon. Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga salita ay mananatili magpakailanman.” “Ngunit walang nakakaalam ng araw at oras ng pagsapit niyon, kahit ang mga anghel sa langit o maging ang Anak man. Ang Ama lamang ang nakakaalam nito. Ang pagdating ng Anak ng Tao ay tulad sa pagdating ng baha noong panahon ni Noe. Nang mga araw na iyon, bago bumaha, ang mga tao'y nagsisikain, nag-iinuman, at nagsisipag-asawa hanggang sa pumasok si Noe sa barko. Hindi nila namamalayan ang nangyayari hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat. Gayundin ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao. Sa panahong iyon, may dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid, kukunin ang isa at iiwan ang ikalawa. May dalawang babaing nagtatrabaho sa gilingan, kukunin ang isa at iiwan ang ikalawa. Kaya't maging handa kayo dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang inyong Panginoon. Tandaan ninyo ito: kung alam ng may-ari ng bahay kung anong oras sa gabi darating ang magnanakaw, siya'y maghahanda at hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. Kaya't lagi kayong maging handa, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo nalalaman.” “Sino ang tapat at matalinong alipin? Hindi ba't ang pinamamahala ng kanyang panginoon upang magpakain sa iba pang mga alipin sa takdang oras? Mapalad ang aliping iyon kapag dinatnan siyang tapat na naglilingkod sa pagbabalik ng kanyang panginoon! Sinasabi ko sa inyo, gagawin siyang tagapamahala ng kanyang panginoon sa lahat ng mga ari-arian nito. Ngunit kung masama ang aliping iyon, sasabihin niya sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang pagbabalik ng aking panginoon.’ Kaya't sisimulan niyang bugbugin ang ibang mga alipin, at makikipagkainan at makikipag-inuman sa mga lasenggo. Babalik ang panginoon ng aliping iyon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Buong higpit siyang paparusahan ng kanyang panginoon, at pagkatapos ay isasama sa mga mapagkunwari. Doo'y tatangis siya at magngangalit ang ngipin.” “Ang kaharian ng langit ay maitutulad dito. May sampung dalagang lumabas upang sumalubong sa lalaking ikakasal. Bawat isa'y may dalang ilawan. Ang lima sa kanila'y hangal at ang lima nama'y matatalino. Ang mga hangal ay nagdala ng kanilang mga ilawan ngunit hindi nagbaon ng langis. Ang matatalino nama'y nagbaon ng langis, bukod pa sa nasa kanilang mga ilawan. Naantala ang pagdating ng lalaking ikakasal kaya't inantok at nakatulog sila sa paghihintay. “Ngunit nang hatinggabi na'y may sumigaw, ‘Narito na ang lalaking ikakasal! Lumabas na kayo upang salubungin siya!’ Agad bumangon ang sampung dalaga at inayos ang kanilang ilawan. Sinabi ng mga hangal sa matatalino, ‘Bigyan naman ninyo kami kahit kaunting langis. Aandap-andap na ang aming mga ilawan.’ ‘Baka hindi ito magkasya sa ating lahat. Mabuti pa'y pumunta muna kayo sa tindahan at bumili ng para sa inyo,’ tugon naman ng matatalino. Kaya't lumakad ang limang hangal na dalaga. Habang bumibili sila, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay kasama niyang pumasok sa kasalan, at isinara ang pinto. “Pagkatapos, dumating naman ang limang hangal na dalaga. ‘Panginoon, panginoon, papasukin po ninyo kami!’ sigaw nila. “Ngunit tumugon siya, ‘Tandaan ninyo, hindi ko kayo nakikilala.’” Pagkatapos nito'y sinabi ni Jesus, “Kaya't magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras man.” “Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad sa isang taong maglalakbay. Kaya't tinawag niya ang kanyang mga tauhan at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang ari-arian. Binigyan niya ng salaping ginto ang bawat isa ayon sa kanilang kakayahan. Binigyan niya ang isa ng limanlibong salaping ginto, ang isa nama'y dalawang libong salaping ginto, at ang isa pa ay isanlibong salaping ginto. Pagkatapos nito, siya'y umalis. Kumilos agad ang tumanggap ng limanlibong salaping ginto at ipinangalakal iyon. Kumita siya ng limanlibong salaping ginto. Gayundin naman, ang tumanggap ng dalawang libong salaping ginto ay kumita pa ng dalawang libong salaping ginto. Ngunit ang tumanggap ng isanlibong salaping ginto ay humukay sa lupa at itinago ang salaping ginto ng kanyang panginoon. “Pagkaraan ng mahabang panahon, bumalik ang panginoon ng mga tauhang iyon at sila'y pinag-ulat. Lumapit ang tumanggap ng limanlibong salaping ginto at sinabi, ‘Panginoon, ito po ang limanlibong salaping ginto na iniwan ninyo sa akin. Heto naman po ang limanlibong salaping ginto na tinubo nito.’ “Sinabi sa kanya ng panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting lingkod! Halika, makihati ka sa aking kagalakan. Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya gagawin kitang tagapamahala ng malaking halaga.’ “Lumapit din ang tumanggap ng dalawang libong salaping ginto at ang sabi, ‘Panginoon, ito po ang iniwan ninyo sa aking dalawang libong salaping ginto. Heto naman po ang dalawang libong salaping ginto na tinubo nito.’ “Sinabi ng kanyang panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting lingkod! Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya't pamamahalain kita sa malaking halaga. Makihati ka sa aking kagalakan!’ “Lumapit naman ang tumanggap ng isanlibong salaping ginto at sinabi, ‘Alam ko pong kayo'y mahigpit at pinipitas ninyo ang bunga ng hindi ninyo itinanim at inaani ninyo ang hindi ninyo inihasik. Natakot po ako, kaya't ibinaon ko sa lupa ang inyong salaping ginto. Heto na po ang salaping iniwanan ninyo sa akin.’ “Sumagot ang kanyang panginoon, ‘Masama at tamad na lingkod! Alam mo palang pinipitas ko ang bunga ng hindi ko tanim at inaani ang hindi ko inihasik, bakit hindi mo na lamang inilagay sa bangko ang aking salapi! Kahit paano'y may tinubo sana ito! Kunin ninyo sa kanya ang isanlibong salaping ginto at ibigay sa may sampung libong salaping ginto. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Itapon ninyo sa kadiliman sa labas ang walang silbing taong iyan! Doo'y mananangis siya at magngangalit ang kanyang mga ngipin.’” “Pagdating ng Anak ng Tao bilang Hari, kasama ang lahat ng anghel, uupo siya sa kanyang trono ng kaluwalhatian. Titipunin naman sa harapan niya ang lahat ng tao at sila'y kanyang pagbubukud-bukurin, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing. Inilalagay nito sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa naman ang mga kambing. Kaya't sasabihin ng hari sa mga nasa kanan niya, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok kayo at tanggapin ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang daigdig. Sapagkat ako'y inyong pinakain noong ako'y nagugutom; ako'y inyong pinainom noong ako'y nauuhaw. Ako'y isang dayuhan at inyong pinatuloy. Ako'y walang maisuot at inyong dinamitan, nagkasakit at inyong dinalaw, nabilanggo at inyong pinuntahan.’ “Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya'y walang maisuot at aming dinamitan? At kailan po namin kayo nakitang nagkasakit o nabilanggo at kayo'y aming dinalaw?’ “Sasabihin ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa isa sa mga alagad ko, siya man ang pinakahamak, ako ang inyong tinulungan.’ “Sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, ‘Lumayo kayo sa harapan ko! Isinumpa kayo sa apoy na di namamatay na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. Sapagkat hindi ninyo ako pinakain noong ako'y nagugutom; hindi ninyo ako pinainom noong ako'y nauuhaw. Hindi ninyo ako pinatuloy noong ako'y isang dayuhan. Hindi ninyo ako dinamitan noong ako'y walang maisuot. Hindi ninyo ako dinalaw noong ako'y may sakit at noong ako'y nasa bilangguan.’ “At sasagot din sila, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, walang matuluyan, walang maisuot, may sakit, o nasa bilangguan, na hindi namin kayo tinulungan?’ “At sasabihin sa kanila ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang pagkaitan ninyo ng tulong ang isa sa pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan.” Matapos ituro ni Jesus ang lahat ng ito, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Gaya ng alam ninyo, dalawang araw na lamang at Paskwa na. Ang Anak ng Tao ay pagtataksilan upang maipapako sa krus.” Ang mga punong pari at ang mga pinuno ng bayan ay nagkakatipon noon sa palasyo ng pinakapunong pari na si Caifas. Binalak nilang ipadakip si Jesus nang lihim at ipapatay. Ngunit sinabi nila, “Huwag sa kapistahan, baka magkagulo ang mga tao.” Nasa Bethania noon si Jesus, sa bahay ni Simon na ketongin. Lumapit sa kanya ang isang babaing may dalang sisidlang alabastro na puno ng napakamahal na pabango. Ibinuhos ito sa ulo ni Jesus habang siya'y kumakain. Nagalit ang mga alagad nang makita ito. “Bakit inaksaya ang pabango?” tanong nila. “Naipagbili sana iyon sa malaking halaga at naibigay sa mga mahihirap ang pinagbilhan!” Alam ito ni Jesus kaya't sinabi niya, “Bakit ninyo minamasama ang ginagawa niya? Isang mabuting bagay ang ginawa niyang ito sa akin. Sapagkat habang panaho'y kasama ninyo ang mga mahihirap, ngunit ako'y hindi ninyo kasama habang panahon. Hindi pa ma'y binuhusan na niya ako ng pabango bilang paghahanda sa paglilibing sa akin. Tandaan ninyo, saan man ipangaral ang Magandang Balita sa buong mundo, babanggitin ang ginawa niyang ito bilang pag-alaala sa kanya.” Si Judas Iscariote, isa sa Labindalawa, ay nakipagkita sa mga punong pari. “Ano po ang ibibigay ninyo sa akin kung tulungan ko kayong madakip si Jesus?” tanong niya. Noon di'y binayaran nila si Judas ng tatlumpung pirasong pilak. Mula noon, humanap na si Judas ng pagkakataon upang maipagkanulo si Jesus. Dumating ang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, “Saan po ninyo nais na maghanda kami ng hapunang pampaskwa?” Sumagot siya, “Puntahan ninyo sa lunsod ang isang tao at sabihin ninyo sa kanya, ‘Ipinapasabi po ng Guro na sumapit na ang kanyang oras. Siya at ang mga alagad niya'y sa bahay ninyo kakain ng hapunang pampaskwa.’” Sinunod ng mga alagad ang utos ni Jesus, at doo'y inihanda nga nila ang hapunang pampaskwa. Nang gabing iyon, dumulog sa mesa si Jesus, kasama ang Labindalawa. Sinabi ni Jesus habang sila'y kumakain, “Tandaan ninyo, ako'y pagtataksilan ng isa sa inyo!” Nanlumo ang mga alagad, at isa-isang nagtanong sa kanya, “Hindi ako iyon, di po ba, Panginoon?” Sumagot si Jesus, “Ang kasabay kong sumawsaw sa mangkok ang siyang magkakanulo sa akin. Mamamatay ang Anak ng Tao ayon sa nasusulat tungkol sa kanya subalit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak!” Si Judas na magkakanulo sa kanya ay nagtanong din, “Guro, ako po ba?” Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang nagsabi.” Habang sila'y kumakain, dumampot si Jesus ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Diyos ay pinaghati-hati niya iyon, ibinigay sa mga alagad at sinabi, “Kunin ninyo ito at kainin. Ito ang aking katawan.” Pagkatapos, dumampot siya ng kopa, nagpasalamat sa Diyos at ibinigay iyon sa kanila. Sinabi niya, “Uminom kayong lahat nito sapagkat ito ang aking dugo; pinapagtibay nito ang tipan ng Diyos. Ang aking dugo ay mabubuhos para sa kapatawaran ng kasalanan ng marami. Sinasabi ko sa inyo, hinding-hindi na ako iinom nitong alak na mula sa ubas hanggang sa araw na ako'y muling uminom nito na kasalo ninyo sa kaharian ng aking Ama.” At pagkaawit ng isang himno, sila'y nagpunta sa Bundok ng mga Olibo. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sa gabing ito, ako'y iiwan ninyong lahat, gaya ng sinasabi sa Kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol at magkakawatak-watak ang mga tupa.’ Ngunit pagkatapos na ako'y muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” Sumagot si Pedro, “Kahit na po kayo iwan ng lahat, hindi ko kayo iiwan.” Sumagot si Jesus, “Tandaan mo, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok, tatlong beses mo akong ikakaila.” Ngunit matigas na sinabi ni Pedro, “Kahit na ako'y patayin kasama ninyo, hindi ko kayo ikakaila.” Ganoon din ang sinabi ng lahat ng alagad. Isinama ni Jesus ang kanyang mga alagad sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi niya sa kanila, “Dito muna kayo't mananalangin ako sa dako roon.” Ngunit isinama niya sina Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. Nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban, kaya't sinabi niya sa kanila, “Ako'y puno ng hapis na halos ikamatay ko! Maghintay kayo rito at samahan ninyo ako sa pagpupuyat!” Lumayo siya nang kaunti, nagpatirapa siya at nanalangin, “Ama ko, kung maaari po, ilayo ninyo sa akin ang kopang ito ng paghihirap. Ngunit hindi po ang kalooban ko, kundi ang kalooban ninyo ang mangyari.” Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Talaga bang hindi kayo makapagpuyat na kasama ko kahit isang oras man lamang? Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu'y nakahanda ngunit ang laman ay mahina.” Muli siyang lumayo at nanalangin, “Ama ko, kung hindi po maaaring maialis ang kopang ito malibang inumin ko, mangyari nawa ang inyong kalooban.” Muli siyang nagbalik at nakita na naman niyang natutulog sila, sapagkat sila'y antok na antok. Iniwan niyang muli ang tatlong alagad at siya'y nanalangin, at iyon din ang kanyang sinabi. Nagbalik na naman siya sa mga alagad at sinabi sa kanila, “Natutulog pa ba kayo at nagpapahinga? Dumating na ang oras na ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga makasalanan. Bumangon kayo at tayo na! Narito na ang magtataksil sa akin.” Nagsasalita pa si Jesus nang dumating si Judas, na kabilang sa Labindalawa. May kasama siyang maraming tao na may dalang mga tabak at pamalo; isinugo sila ng mga punong pari at mga pinuno ng bayan. Bago pa sila dumating doon, sinabi na ng taksil sa kanyang mga kasama, “Kung sinong hahalikan ko, siya ang dakpin ninyo.” Nilapitan niya agad si Jesus at binati, “Magandang gabi po, Guro,” saka hinalikan. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kaibigan, gawin mo na ang sadya mo.” At siya'y nilapitan nila at dinakip. Bumunot ng tabak ang isa sa mga kasama ni Jesus at tinaga ang utusan ng pinakapunong pari, at natagpas ang tainga niyon. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ibalik mo ang iyong tabak sa lalagyan! Ang nabubuhay sa tabak ay sa tabak mamamatay. Hindi mo ba alam na kung hihingi ako ng tulong sa aking Ama ay papadalhan agad niya ako ng labindalawang batalyon ng mga anghel? Ngunit paanong matutupad ang mga Kasulatan na nagsasabing ito'y dapat mangyari?” Binalingan niya ang mga tao at sinabi, “Ako ba'y tulisan at naparito kayong may mga tabak at pamalo upang ako'y dakpin? Araw-araw, nakaupo akong nagtuturo sa Templo, ngunit hindi ninyo ako dinakip. Ngunit nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinulat ng mga propeta.” Tumakas ang mga alagad at iniwan siyang mag-isa. Dinala si Jesus ng mga dumakip sa kanya sa bahay ni Caifas, ang pinakapunong pari; doon nagkakatipon ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga pinuno ng bayan. Sumunod si Pedro, ngunit hindi gaanong lumalapit. Pagdating sa tahanan ng pinakapunong pari, pumasok siya sa bakuran at naupo sa patyo kasama ng mga bantay. Nais niyang makita kung ano ang mangyayari. Samantala, ang mga punong pari at ang buong Sanedrin ay naghahanap ng sasaksi laban kay Jesus upang ito'y maipapatay. Kahit na maraming humarap at sumaksi ng kasinungalingan tungkol sa kanya, wala silang matagpuang makakapagpatotoong si Jesus ay dapat mamatay. Sa wakas, may dalawang humarap at nagsabi, “Sinabi ng taong ito na kaya daw niyang gibain ang Templo ng Diyos at muli itong itayo sa loob ng tatlong araw.” Tumayo ang pinakapunong pari at sinabi kay Jesus, “Wala ka bang isasagot sa paratang na ito laban sa iyo?” Ngunit hindi umimik si Jesus. Kaya't sinabi sa kanya ng pinakapunong pari, “Iniuutos ko sa iyo sa ngalan ng Diyos na buháy, sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos.” Sumagot si Jesus, “Kayo na ang nagsabi. At sinasabi ko pa sa inyo, di na magtatagal at makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng makapangyarihang Diyos at dumarating na nasa alapaap!” Pagkarinig nito, pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang damit at sinabi, “Nilapastangan niya ang Diyos! Hindi na natin kailangan ng mga saksi. Narinig ninyo ngayon ang kanyang paglapastangan sa Diyos! Ano ang pasya ninyo?” Sumagot sila, “Dapat siyang mamatay!” Dinuraan nila si Jesus sa mukha at pinagsusuntok. Pinagsasampal naman siya ng iba, at kinutya, “Hoy, Cristo, hulaan mo nga kung sino ang sumampal sa iyo!” Samantala, si Pedro ay nakaupo noon sa patyo. Nilapitan siya ng isang utusang babae at sinabi sa kanya, “Kasamahan ka rin ni Jesus na taga-Galilea, hindi ba?” Ngunit nagkaila si Pedro sa harap ng lahat. “Wala akong nalalaman sa sinasabi mo,” sagot niya. Pumunta siya sa may pintuan at nakita siya ng isa pang utusang babae. Sinabi nito sa mga naroon, “Ang taong ito'y kasamahan ni Jesus na taga-Nazaret.” Muling nagkaila si Pedro, “Isinusumpa ko, hindi ko kakilala ang taong iyon!” Makalipas ang ilang sandali, lumapit kay Pedro ang mga naroon. Sabi nila, “Isa ka nga sa mga tauhan niya. Halatang-halata ka sa punto ng iyong pagsasalita.” Sumagot si Pedro, “Mamatay man ako! Talagang hindi ko nakikilala ang taong iyan.” Pagkasabing-pagkasabi nito, tumilaok ang manok. Naalala ni Pedro ang sinabi ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok, tatlong beses mo akong ikakaila.” Lumabas siya at tumangis nang buong kapaitan. Kinaumagahan, nagpulong ang mga punong pari at mga pinuno ng bayan kung paano nilang maipapapatay si Jesus. Kaya siya'y iginapos nila at dinala kay Pilato na siyang gobernador doon. Nang makita ni Judas na si Jesus ay nahatulang mamatay, nagsisi siya at isinauli sa mga punong pari at mga pinuno ng bayan ang tatlumpung pirasong pilak. Sinabi niya, “Nagkasala ako! Ipinagkanulo ko ang dugo ng taong wala ni anumang bahid ng kasalanan.” “Ano ang pakialam namin sa iyo? Bahala ka sa buhay mo!” sagot nila. Inihagis ni Judas sa loob ng Templo ang tatlumpung pirasong pilak, at pagkaalis doon, siya'y nagbigti. Pinulot ng mga punong pari ang mga pirasong pilak. Sinabi nila, “Labag sa Kautusan na ilagay ang salaping ito sa kabang-yaman ng Templo sapagkat bayad ito sa buhay ng isang tao.” Nagkaisa sila na ang salaping iyon ay ibili ng bukid ng isang magpapalayok, upang gawing libingan ng mga dayuhan. Mula noon hanggang sa panahong ito, ang bukid na iyon ay tinawag na “Bukid ng Dugo.” Sa gayon, natupad ang sinabi ni propeta Jeremias: “Kinuha nila ang tatlumpung pirasong pilak, ang halagang katumbas niya ayon sa mga Israelita, at ginamit ito upang bilhin ang bukid ng isang magpapalayok, ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.” Iniharap si Jesus sa gobernador at siya'y tinanong nito, “Ikaw nga ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang may sabi.” Ngunit nang paratangan siya ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan, hindi siya umimik. Kaya't sinabi sa kanya ni Pilato, “Hindi mo ba narinig ang paratang nila laban sa iyo?” Ngunit hindi pa rin siya umimik kaya't labis na nagtaka ang gobernador. Nakaugalian na ng gobernador na tuwing Paskwa ay magpalaya ng isang bilanggo na hinihiling ng taong-bayan. Si Jesus Barabbas ay isang kilalang bilanggo noon. Nang magkatipon ang mga tao ay tinanong sila ni Pilato, “Sino ang ibig ninyong palayain ko, si Jesus Barabbas, o si Jesus na tinatawag na ‘Cristo’?” Alam ni Pilato na naiinggit lamang sila kaya nila isinakdal si Jesus. Bukod dito, nang si Pilato ay nakaupo sa hukuman, nagpasabi ang kanyang asawa, “Huwag kang makialam sa taong iyan. Wala siyang kasalanan. Ngayon ay pinapahirapan ako ng aking panaginip tungkol sa kanya.” Ang mga tao nama'y sinulsulan ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan na hilingin kay Pilato na si Barabbas ang palayain at si Jesus ay ipapatay. Muli silang tinanong ng gobernador, “Sino sa dalawa ang nais ninyong palayain ko?” “Si Barabbas!” sigaw ng mga tao. Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kung gayon, ano ang gagawin ko kay Jesus, na tinatawag na Cristo?” At sumagot ang lahat, “Ipako siya sa krus!” “Bakit? Ano ang nagawa niyang masama?” tanong ni Pilato. Ngunit lalo pang lumakas ang kanilang sigawan, “Ipako siya sa krus!” Nang makita ni Pilato na wala siyang magagawa, at malamang pa'y magkagulo, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng mga tao. “Wala akong pananagutan sa dugo ng taong ito. Ito'y pananagutan ninyo!” sabi niya. Sumagot naman ang mga tao, “Pananagutan namin at ng aming mga anak ang dugo niya.” Pinalaya nga ni Pilato si Barabbas at ipinahagupit naman si Jesus. Pagkatapos, ibinigay siya sa kanila upang ipako sa krus. Si Jesus ay dinala ng mga kawal ng gobernador sa palasyo ng gobernador, at nagkatipon ang buong batalyon sa paligid niya. Siya'y hinubaran nila at sinuotan ng isang balabal na matingkad na pula. Kumuha sila ng sangang matinik, ginawa itong korona at ipinutong sa kanya. Pagkatapos, pinahawak sa kanyang kanang kamay ang isang tangkay ng tambo. Siya'y ininsulto nila, niluhud-luhuran at kinutya ng ganito, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” Siya'y pinagduduraan pa nila. Kinuha nila ang tambo at ito'y inihampas sa kanyang ulo. Matapos kutyain, hinubad nila ang balabal at muling sinuotan ng sarili niyang damit. Pagkatapos, inilabas siya upang ipako sa krus. Paglabas ng lunsod, nakita ng mga sundalo si Simon na taga-Cirene. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. Dumating sila sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang kahulugan ay “Pook ng Bungo.” Binigyan nila si Jesus ng alak na hinaluan ng apdo, ngunit nang matikman niya iyon ay hindi niya ininom. Nang maipako na siya sa krus, pinaghati-hatian ng mga kawal ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan, at pagkatapos, naupo sila upang siya'y bantayan. Isinulat nila sa kanyang ulunan ang paratang laban sa kanya, “Ito'y si Jesus na Hari ng mga Judio.” At may dalawang magnanakaw na ipinako rin sa krus, isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa. Ininsulto rin siya ng mga nagdaraan. Pailing-iling nilang sinasabi, “Di ba't ikaw ang gigiba ng Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, bumabâ ka sa krus!” Kinutya naman siya ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan. Sinasabi nila, “Iniligtas niya ang iba ngunit ang sarili ay hindi mailigtas! Di ba siya ang Hari ng Israel? Bumabâ lang siya ngayon sa krus ay maniniwala na kami sa kanya! Nananalig siya sa Diyos, at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Tingnan natin kung ililigtas siya ng Diyos!” Nilait din siya ng mga magnanakaw na ipinakong kasama niya. Mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. Nang mag-aalas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus, “ Eli, Eli, lema sabachthani? ” na ang ibig sabihi'y “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Ito'y narinig ng ilan sa mga nakatayo roon kaya't sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias!” May isang tumakbo at kumuha ng espongha, binasa ito ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at ipinasipsip kay Jesus. Sinabi naman ng iba, “Hintay muna, tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya!” Muling sumigaw si Jesus nang malakas at siya'y nalagutan ng hininga. Biglang nahati ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa at nabiyak ang mga bato. Nabuksan ang mga libingan at muling nabuhay ang maraming banal na namatay. Lumabas sila ng libingan, at nang muling mabuhay si Jesus, sila'y pumasok sa banal na lunsod, at doo'y marami ang nakakita sa kanila. Nasindak ang opisyal at ang mga kawal na nagbabantay kay Jesus nang maramdaman nila ang lindol at masaksihan ang lahat ng nangyari. Sabi nila, “Tunay na siya'y Anak ng Diyos!” Naroon din ang maraming mga babaing nakatanaw mula sa malayo. Mula pa sa Galilea, sila'y sumunod na naglilingkod kay Jesus. Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Maria na ina ni Santiago at ni Jose, at ang asawa ni Zebedeo. Pagsapit ng dilim, dumating si Jose, ang isang mayamang taga-Arimatea na tagasunod din ni Jesus. Hiningi niya kay Pilato ang bangkay ni Jesus, kaya't iniutos ni Pilato na ibigay ito kay Jose. Nang makuha na ang bangkay, binalutan niya ito ng malinis na tela ng lino. Inilagay niya ito sa kanyang bagong libingan na ipinauka niya sa bato. Pagkatapos, iginulong niya sa pintuan ang isang malaking batong panakip, at saka umalis. Kasama sa paglilibing sina Maria Magdalena at ang isa pang Maria; nakaupo sila sa tapat ng libingan. Kinabukasan, pagkatapos ng Araw ng Paghahanda, sama-samang nagpunta kay Pilato ang mga punong pari at ang mga Pariseo. Sinabi nila, “Naalala po namin na sinabi ng mapagpanggap na iyon noong siya'y nabubuhay pa, na siya'y muling mabubuhay pagkaraan ng tatlong araw. Kaya pabantayan po sana ninyong mabuti ang libingan hanggang sa ikatlong araw. Baka pumunta doon ang kanyang mga alagad at kunin ang bangkay at pagkatapos ay ipamalitang siya'y muling nabuhay. Ang pandarayang ito ay magiging masahol pa kaysa una.” Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kumuha kayo ng mga kawal at pabantayan ninyong mabuti ang libingan.” Kaya pumaroon nga sila at nilagyan ng tatak ang batong panakip sa libingan, at pinabantayan ito sa mga kawal. Makaraan ang Araw ng Pamamahinga, sa pagbubukang-liwayway nang unang araw ng sanlinggo, lumakad si Maria Magdalena at ang isa pang Maria upang tingnan ang libingan ni Jesus. Biglang lumindol nang malakas. Bumabâ mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon, iginulong ang batong nakatakip sa libingan at umupo sa ibabaw niyon. Ang kanyang mukha ay nakakasilaw na parang kidlat at puting-puti ang kanyang damit. Nanginig sa takot ang mga bantay nang makita ang anghel, at sila'y nabuwal na parang mga patay. Ngunit sinabi ng anghel sa mga babae, “Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala na siya rito sapagkat siya'y muling nabuhay gaya ng kanyang sinabi. Halikayo't tingnan ninyo ang pinaglibingan sa kanya. Magmadali kayo at ibalita sa kanyang mga alagad na siya'y muling nabuhay! At papunta na siya sa Galilea. Makikita ninyo siya roon! Iyan ang balitang hatid ko sa inyo.” At dali-dali nga silang umalis sa libingan na may magkahalong takot at galak, at patakbong pumunta sa mga alagad upang ibalita ang nangyari. Ngunit sinalubong sila ni Jesus at sinabi, “Magalak kayo!” Lumapit sila sa kanya, hinawakan ang kanyang mga paa at sinamba siya. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Huwag kayong matakot! Magmadali kayo't sabihin sa mga kapatid ko na pumunta sila sa Galilea, at makikita nila ako roon!” Pagkaalis ng mga babae, pumunta sa lunsod ang ilan sa mga kawal na nagbabantay sa libingan at isinalaysay sa mga punong pari ang buong pangyayari. Nakipagpulong naman ang mga punong pari sa mga pinuno ng bayan at nagkasundo silang suhulan nang malaki ang mga kawal. At ang mga ito ay inutusan nilang ganito ang ipamalita, “Habang natutulog kami kagabi, dumating ang mga alagad ni Jesus at ninakaw ang kanyang bangkay.” Sinabi pa nila, “Huwag kayong mag-alala kung makarating man ito sa gobernador. Kami ang bahala!” Tinanggap ng mga bantay ang suhol, at ganoon nga ang kanilang ginawa. Kaya magpahanggang ngayon ito pa rin ang balitang ipinagsasabi sa mga Judio. Pumunta ang labing-isang alagad sa Galilea, sa bundok na sinabi sa kanila ni Jesus. Nang makita nila si Jesus, siya'y sinamba nila, subalit may ilan sa kanilang nag-alinlangan. Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, “Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya't habang kayo'y humahayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon.” Ito ang Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo, ang Anak ng Diyos. Nagsimula ito noong matupad ang isinulat ni propeta Isaias, “Narito ang sugo ko na aking ipadadalang mauuna sa iyo; ihahanda niya ang iyong daraanan. Ito ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang: ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!’” At dumating nga sa ilang si Juan, na nagbabautismo at nangangaral. Sinabi niya sa mga tao, “Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at pabautismo kayo, upang kayo'y patawarin ng Diyos.” Halos lahat ng taga-Judea at taga-Jerusalem ay pumunta kay Juan. Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y binautismuhan niya sa Ilog Jordan. Hinabing balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan, at balat naman ng hayop ang kanyang sinturon. Ang kanya namang pagkain ay balang at pulot-pukyutan. Ito ang ipinapahayag niya sa mga tao, “Ang darating na kasunod ko ay higit na makapangyarihan kaysa sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat yumukod at magkalas man lamang ng tali ng kanyang sandalyas. Binautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babautismuhan niya kayo sa Espiritu Santo.” Nang panahong iyon, dumating si Jesus mula sa Nazaret sa Galilea, at siya'y binautismuhan ni Juan sa Ilog Jordan. Pagkaahung-pagkaahon ni Jesus sa tubig, nakita niyang bumukas ang kalangitan at bumababa sa kanya ang Espiritu na tulad ng isang kalapati. Narinig niya ang isang tinig na mula sa langit at nagsasabing, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.” Pagkatapos, sa kapangyarihan ng Espiritu, si Jesus ay pumunta sa ilang. Nanatili siya roon nang apatnapung araw, at doo'y tinukso siya ni Satanas. Doon ay may mababangis na hayop ngunit si Jesus ay pinaglingkuran ng mga anghel. Nang ibinilanggo na si Juan, si Jesus ay nagpunta sa Galilea at ipinangaral doon ang Magandang Balitang mula sa Diyos. Sinabi niya, “Dumating na ang takdang panahon. Malapit nang maghari ang Diyos! Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan. Paniwalaan na ninyo ang Magandang Balita!” Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon at Andres na nanghuhuli ng isda sa pamamagitan ng lambat. Sila'y kapwa mga mangingisda. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at kayo'y gagawin kong mangingisda ng mga tao.” Pagkasabi niya nito'y agad iniwan ng magkapatid ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya. Nagpatuloy siya sa paglalakad, at sa di-kalayuan ay nakita naman niya ang magkapatid na Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa kanilang bangka at nag-aayos ng mga lambat. Tinawag din sila agad ni Jesus at sila ay sumunod din sa kanya. Iniwan nila sa bangka ang kanilang ama na kasama ang kanilang mga upahang manggagawa. Nagpunta sina Jesus sa Capernaum, at nang sumunod na Araw ng Pamamahinga ay pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. Namangha ang mga tao sapagkat nagtuturo siya nang may kapangyarihan, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan. Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking sinasapian ng masamang espiritu. Ito'y sumigaw, “Ano ang pakay mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang kami'y puksain? Kilala kita, ikaw ang Banal na mula sa Diyos.” Ngunit iniutos ni Jesus sa masamang espiritu, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!” Pinangisay ng masamang espiritu ang lalaki at sumisigaw itong lumabas sa kanya. Ang lahat ay namangha kaya't sila'y nagtanungan sa isa't isa, “Paanong nangyari iyon? Ito ay isang kakaibang katuruan! Makapangyarihan niyang nauutusan ang masasamang espiritu, at sumusunod naman ang mga ito sa kanya.” Dahil dito, mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Jesus. Mula sa sinagoga, si Jesus, kasama sina Santiago at Juan, ay nagtuloy agad sa bahay nina Simon at Andres. Noon ay nakahigang nilalagnat ang biyenan ni Simon at ito'y agad nilang sinabi kay Jesus. Kaya't nilapitan ni Jesus ang babae, hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Noon di'y gumaling ito at naghanda ng pagkain para sa kanila. Pagsapit ng gabi, pagkalubog ng araw, dinala kay Jesus ang lahat ng maysakit at ang mga sinasapian ng demonyo. Halos lahat ng mga tagaroon ay nagkatipon sa harap ng bahay. Pinagaling ni Jesus ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman. Pinalayas din niya ang mga demonyo, at hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito sapagkat alam nila kung sino siya. Madaling-araw pa'y bumangon na si Jesus at nagpunta sa isang lugar kung saan maaari siyang manalanging mag-isa. Hinanap siya ni Simon at ng mga kasama nito, at nang matagpuan siya ay sinabi nila, “Hinahanap po kayo ng mga tao.” Ngunit sinabi niya sa kanila, “Kailangang pumunta rin tayo sa mga karatig-bayan upang makapangaral ako roon. Ito ang dahilan ng pagparito ko.” Nilibot nga ni Jesus ang buong Galilea. Nangaral siya sa kanilang mga sinagoga at nagpalayas ng mga demonyo. Isang taong may ketong ang lumapit kay Jesus, lumuhod ito at nagmakaawa, “Kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis.” Nahabag si Jesus sa ketongin kaya't hinawakan niya ito at sinabi, “Oo, nais ko! Gumaling ka!” Noon di'y nawala ang ketong ng lalaki at siya'y naging malinis. Matapos mapagbilinan, agad siyang pinaalis ni Jesus at pinagsabihan ng ganito: “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay magpunta ka at magpasuri sa pari. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog para sa Diyos ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay sa mga tao na ikaw ay magaling at malinis na.” Ngunit pagkaalis ng lalaki ay kanyang ipinamalita ang nangyari sa kanya. Dahil dito, hindi na nakapasok pa ng bayan si Jesus. Nanatili na lamang siya sa labas ng bayan subalit pinupuntahan pa rin siya ng mga tao mula sa iba't ibang dako. Pagkalipas ng ilang araw, bumalik si Jesus sa Capernaum at kumalat ang balitang siya'y nasa bahay. Nagkatipon doon ang napakaraming tao, kaya't halos wala nang mapwestuhan kahit sa labas ng pintuan. Habang nangangaral si Jesus, may dumating na apat na taong may dalang isang paralitiko. Hindi nila mailapit ang paralitiko kay Jesus dahil sa dami ng tao, kaya't binakbak nila ang bubong sa tapat niya at ibinabâ ang paralitikong nakaratay sa higaan. Nang makita ni Jesus kung gaano kalaki ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, pinatawad na ang mga kasalanan mo.” May nakaupo roong ilang tagapagturo ng Kautusan na nag-isip nang ganito: “Bakit siya nagsasalita nang ganoon? Nilalapastangan niya ang Diyos! Hindi ba't ang Diyos lamang ang makakapagpatawad ng kasalanan?” Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya agad, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa paralitiko, ‘Pinapatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ang sabihing, ‘Tumayo ka, bitbitin mo ang iyong higaan at lumakad ka’? Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa…” sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!” Tumayo nga ang paralitiko. Kaagad nitong binuhat ang kanyang higaan at umalis habang ang lahat naman ng naroroon ay namangha. Sila ay nagpuri sa Diyos at sinabi nila, “Kailanma'y hindi pa kami nakakita ng ganito!” Muling pumunta si Jesus sa baybayin ng Lawa ng Galilea. Sinundan siya roon ng napakaraming tao at sila'y kanyang tinuruan. Pagkatapos nito, nagpatuloy si Jesus sa kanyang paglalakad at nakita niyang nakaupo sa paningilan ng buwis si Levi na anak ni Alfeo. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman si Levi at sumunod nga sa kanya. Nang si Jesus at ang kanyang mga alagad ay kumakain sa bahay ni Levi, kasalo nilang kumakain ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanang sumunod sa kanya. Nang makita ito ng ilang tagapagturo ng Kautusan na kabilang sa pangkat ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad, “Bakit siya kumakaing kasama ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?” Narinig ito ni Jesus kaya't siya ang sumagot, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. Naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga matuwid.” Minsan, nag-aayuno ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo at ang mga Pariseo. May lumapit kay Jesus at nagtanong, “Bakit po hindi nag-aayuno ang inyong mga alagad, samantalang ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo at ang mga Pariseo ay nag-aayuno?” Sumagot si Jesus, “Dapat bang mag-ayuno ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Hindi! Hangga't kasama nila ito, hindi nila gagawin iyon. Ngunit darating ang araw na ilalayo ito sa kanila, at saka pa lamang sila mag-aayuno. “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa isang lumang damit sapagkat kapag umurong ang bagong tela, mababatak ang tinagpian at lalong lalaki ang punit. Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat sapagkat papuputukin lamang ng alak ang sisidlang-balat, at kapwa masasayang ang alak at ang sisidlan. Sa halip, ang bagong alak ay inilalagay sa bagong sisidlang-balat!” Isang Araw ng Pamamahinga, naparaan si Jesus at ang kanyang mga alagad sa triguhan. Habang sila'y naglalakad, ang mga alagad ay pumipitas ng uhay. Sinabi ng mga Pariseo kay Jesus, “Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Mahigpit iyang ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga!” Sinabi rin ni Jesus, “Itinakda ang Araw ng Pamamahinga para sa ikabubuti ng tao; hindi nilikha ang tao para sa Araw ng Pamamahinga. Ang Anak ng Tao ay siyang Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.” Muling pumasok si Jesus sa sinagoga. Naratnan niya roon ang isang lalaking paralisado ang isang kamay. May ilang taong naroroon at inaabangan kung pagagalingin ni Jesus ang lalaking iyon sa Araw ng Pamamahinga, upang may maiparatang sila laban sa kanya. Tinawag ni Jesus ang lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito!” Pagkatapos, tinanong naman niya ang mga tao, “Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti, o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay, o ang pumatay?” Ngunit sila'y hindi sumagot. Tiningnan ni Jesus ang mga taong nakapaligid sa kanya. Galit at lungkot ang naramdaman niya dahil sa katigasan ng kanilang mga puso. Pagkatapos, sinabi niya sa maysakit, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat naman ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling. Umalis ang mga Pariseo at agad nakipagsabwatan sa mga tagasunod ni Herodes upang maipapatay si Jesus. Umalis si Jesus at ang kanyang mga alagad at sila'y nagpunta sa tabi ng lawa. Sinundan siya roon ng napakaraming taong buhat sa Galilea, sa Judea, sa Jerusalem, sa Idumea, sa ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon. Sumunod sila kay Jesus dahil nabalitaan nila ang lahat ng ginagawa niya. Dahil napakarami ng mga tao, inutusan ni Jesus ang kanyang mga alagad na maghanda ng isang bangkang masasakyan niya upang hindi siya maipit ng mga taong dumaragsa. Sapagkat marami na siyang pinagaling, dinudumog siya ng lahat ng maysakit upang mahawakan man lamang siya. Bawat taong sinasapian ng masamang espiritu na makakita sa kanya ay nagpapatirapa sa harapan niya at sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit mahigpit silang inutusan ni Jesus na huwag ipagsabi kung sino siya. Pagkatapos nito, umakyat si Jesus sa bundok kasama ang mga taong pinili niya at sumunod sa kanya. Buhat sa mga taong iyon ay pumili siya ng labindalawa na tinawag niyang mga apostol. Hinirang niya ang mga ito upang maging kasa-kasama niya at upang suguing mangaral. Sila ay binigyan din niya ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo. Ito ang labindalawang hinirang niya: si Simon, na pinangalanan niyang Pedro; sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo, sila'y tinawag din niyang Boanerges, na ang kahulugan ay “mga anak ng kulog”; sina Andres, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo, si Simon na Makabayan, at si Judas Iscariote na siyang nagkanulo kay Jesus. Pag-uwi ni Jesus, muling nagkatipon doon ang napakaraming tao kaya't hindi na sila nagkaroon ng pagkakataong kumain pa. Nang mabalitaan iyon ng kanyang mga kasambahay, sila'y pumaroon upang sawayin siya dahil sinasabi ng mga tao na siya'y nasisiraan ng bait. Sinasabi naman ng mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, “Sinasapian siya ni Beelzebul. Nakapagpapalayas siya ng demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo!” Dahil dito, pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila ang ilang talinhaga. Sabi niya, “Paanong mapapalayas ni Satanas ang kanyang sarili? Kapag naglaban-laban ang mga mamamayan ng isang kaharian, hindi magtatagal, mawawasak ang kahariang iyon. Kapag naglaban-laban naman ang mga magkakasambahay, hindi rin magtatagal ang sambahayang iyon. Gayundin naman, kapag naghimagsik si Satanas laban sa kanyang sarili at magkabaha-bahagi ang kanyang nasasakupan, hindi magtatagal at darating ang kanyang wakas. “Subalit hindi maaaring pasukin at pagnakawan ang bahay ng isang taong malakas malibang gapusin muna siya. Kapag siya'y nakagapos na, saka pa lamang mapagnanakawan ang kanyang bahay. Tandaan ninyo ito: maaaring patawarin ang tao sa lahat ng kanyang kasalanan at paglapastangan, ngunit ang sinumang lumapastangan sa Espiritu Santo ay walang kapatawaran, sapagkat ito ay walang hanggang kasalanan.” Sinabi ito ni Jesus sapagkat sinasabi ng mga tao na siya'y sinasapian ng masamang espiritu. Dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus. Sila'y nasa labas ng bahay at ipinapatawag siya. Nang oras na iyon ay maraming taong nakaupo sa palibot ni Jesus. May nagsabi sa kanya, “Nasa labas po at naghihintay ang inyong ina at mga kapatid.” “Sino ang aking ina at mga kapatid?” tanong naman ni Jesus. Tumingin siya sa mga nakaupo sa palibot at sinabi, “Sila ang aking ina at mga kapatid! Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng Diyos ay siyang aking ina at mga kapatid.” Muling nagturo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. At dahil nagkatipon sa paligid niya ang napakaraming tao, siya'y sumakay at umupo sa isang bangkang nasa tubig. Nanatili naman ang karamihan sa may dalampasigan, at sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinhaga. Ganito ang sinabi niya: “Makinig kayo! May isang magsasakang lumabas upang maghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik ay may mga binhing nalaglag sa daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May mga binhi namang nalaglag sa batuhan. Bagama't kaunti lamang ang lupa roon, agad sumibol ang mga binhing iyon. Ngunit nang tumindi ang sikat ng araw, nalanta at natuyo ang mga binhing tumubo, palibhasa'y hindi ito masyadong nag-ugat. May mga binhi namang nalaglag sa may damuhang matinik; nang lumago ang mga damo, sinakal nito ang mga binhing tumubo, kaya't hindi nakapamunga ang mga binhi. At may mga binhi namang nalaglag sa matabang lupa. Ang mga ito ay tumubo, lumago, at namunga nang marami; may nagkabutil ng tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tigsasandaan.” Sinabi pa ni Jesus, “Makinig ang may pandinig.” Nang nag-iisa na si Jesus, ang ilan sa mga nakikinig ay lumapit sa kanya kasama ang Labindalawa. Hiniling nilang ipaliwanag niya ang talinhaga. Sinabi niya, “Ipinagkaloob na sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng Diyos, ngunit sa iba, ang lahat ng bagay ay itinuturo sa pamamagitan ng talinhaga. Nang sa gayon, ‘Tumingin man sila nang tumingin ay hindi sila makakakita, at makinig man sila nang makinig ay hindi makakaunawa. Kung gayon, sana'y nagbalik-loob sila sa Diyos at nagkamit sana sila ng kapatawaran.’” Pagkatapos, tinanong sila ni Jesus, “Hindi pa ba ninyo nauunawaan ang talinhagang ito? Paano ninyo mauunawaan ang iba pang mga talinhaga? Ito ang kahulugan ng talinhaga: ang binhing inihahasik ay ang mensahe tungkol sa kaharian ng Diyos at ang mga binhi namang nalaglag sa daan ay ang mga taong nakikinig sa mensahe ng Diyos. Pagkarinig nila'y dumating si Satanas at inalis ang mensaheng inihasik sa kanila. “Ang katulad ng mga binhing nalaglag sa batuhan ay ang mga taong nakikinig at malugod na tumatanggap sa mensahe ng Diyos. Subalit ang mensahe ay hindi tumitimo sa kanilang puso kaya't hindi sila nananatili doon. Pagdating ng kapighatian o pag-uusig dahil sa mensahe ng Diyos, agad silang sumusuko. “Ito naman ang kahulugan ng mga binhing nalaglag sa may damuhang matinik. May mga taong nakikinig ng mensahe ng Diyos ngunit dahil sa alalahanin sa buhay na ito, pagkasilaw sa salapi, o kaya'y pagkahumaling sa ibang mga bagay, ang mensahe ay nawalan na ng puwang sa kanilang puso kaya't hindi ito nakapamunga. “Ito naman ang kahulugan ng mga binhing nalaglag sa matabang lupa. May mga taong nakikinig at tumatanggap sa mensahe ng Diyos at namumunga nang masagana; may tigtatatlumpu, may tig-aanimnapu at may tigsasandaan.” Nagpatuloy si Jesus ng pagsasalita. Sinabi niya, “Sinisindihan ba ang ilawan upang itago sa isang malaking takalan, o kaya'y sa ilalim ng higaan? Hindi ba't kapag nasindihan na ay inilalagay ito sa talagang patungan ng ilaw? Walang natatagong di malalantad, at walang lihim na di mabubunyag. Makinig ang may pandinig!” Idinugtong pa niya, “Unawain ninyong mabuti ang inyong naririnig. Ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo, at higit pa roon. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa.” Sinabi pa ni Jesus, “Ang kaharian ng Diyos ay maitutulad sa isang taong naghasik ng binhi sa kanyang bukid. Natutulog siya kung gabi at bumabangon kung araw. Samantala, ang binhi ay tumutubo at lumalago ngunit hindi alam ng naghasik kung paano. Ang lupa ang nagpapasibol at nagpapabunga sa mga pananim; usbong muna ang lumilitaw, saka ang tangkay; pagkatapos, nahihitik ito sa butil. Kapag hinog na ang mga butil, agad niya itong ipagagapas sapagkat panahon na para ito'y anihin.” “Saan pa natin maihahambing ang kaharian ng Diyos? Anong talinhaga ang gagamitin natin upang mailarawan ito?” tanong ni Jesus. “Ang katulad nito ay butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng binhi. Ngunit kapag itinanim, ito'y lumalago at nagiging pinakamalaki sa lahat ng tanim; ito'y nagkakasanga nang mayabong, kaya't ang mga ibon ay nakakapamugad sa lilim nito.” Ipinangaral ni Jesus sa kanila ang mensahe sa pamamagitan ng maraming talinhagang tulad ng mga ito, ayon sa abot ng kanilang pang-unawa. Hindi siya nangaral sa kanila nang hindi gumagamit ng talinhaga; ngunit ipinapaliwanag niya ang mga ito sa kanyang mga alagad kapag sila-sila na lamang. Kinagabiha'y sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Tumawid tayo sa ibayo.” Kaya't iniwan nila ang mga tao at sumakay sila sa bangkang sinasakyan ni Jesus upang tumawid ng lawa. May iba pang mga bangkang nakisabay sa kanila. Habang naglalayag, inabot sila ng malakas na bagyo kaya't ang bangkang sinasakyan nila'y hinampas ng malalaking alon at ito'y halos mapuno na ng tubig. Si Jesus ay natutulog noon sa may hulihan ng bangka, nakahilig sa isang unan. Ginising siya ng mga alagad at sinabi, “Guro, bale-wala ba sa inyo kung mapahamak kami?” Bumangon si Jesus at iniutos sa hangin, “Tigil!” at sinabi sa alon, “Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at tumahimik ang lawa. Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natatakot? Hanggang ngayon ba'y wala pa rin kayong pananampalataya?” Natakot sila nang labis at namangha. Sabi nila sa isa't isa, “Anong klaseng tao ito? Pati hangin at lawa ay sumusunod sa inuutos niya!” Dumating sila sa ibayo ng lawa, sa lupain ng mga Geraseno. Pagkababa ni Jesus sa bangka, siya'y sinalubong ng isang lalaking sinasapian ng masamang espiritu. Ang lalaking ito'y nakatira sa mga libingan. Hindi na siya maigapos, kahit tanikala pa ang gamitin. Bagama't madalas siyang gapusin ng tanikala sa kamay at paa, nilalagot lamang niya ang mga ito. Wala nang nakakapigil sa kanya. Araw-gabi'y nagsisisigaw siya sa mga libingan at sa kabundukan, at sinusugatan din niya ng matalas na bato ang kanyang sarili. Malayo pa'y natanaw na nito si Jesus. Patakbo itong lumapit at lumuhod sa harapan niya. Sumigaw siya nang malakas, “Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, bakit mo ako pinapakialaman? Ipangako mo sa pangalan ng Diyos na hindi mo ako pahihirapan!” (Sinabi niya ito sapagkat iniutos ni Jesus, “Masamang espiritu, lumabas ka sa taong ito!”) Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” “Batalyon, sapagkat marami kami,” tugon niya. At nakikiusap siya kay Jesus na huwag silang palayasin sa lugar na iyon. Doon naman sa libis ng bundok ay may malaking kawan ng mga baboy na nagsisikain. Nagmakaawa kay Jesus ang masasamang espiritu, “Pasapiin mo na lamang kami sa mga baboy,” at sila'y pinahintulutan niya. Lumabas nga sa lalaki ang masasamang espiritu at sumapi sa mga baboy. Ang kawan, na may dalawang libo, ay nagtakbuhan sa gilid ng matarik na bangin hanggang sa nahulog ang mga ito sa lawa at nalunod. Tumakbo ang mga tagapag-alaga ng kawan ng baboy at ibinalita sa bayan at sa karatig-pook ang mga pangyayari. Kaya't ang mga tao ay nagpuntahan doon upang alamin ang tunay na nangyari. Paglapit nila kay Jesus, nakita nila ang lalaking dating sinasapian ng mga demonyo; nakaupo ito, nakadamit at matino na ang isip, at sila'y natakot. Isinalaysay sa kanila ng mga nakakita ang nangyari sa dating sinasapian ng demonyo at ang sinapit ng mga baboy. Dahil dito, nakiusap ang mga tao kay Jesus na umalis siya sa kanilang lupain. Nang sumasakay na si Jesus sa bangka, nakiusap ang dating sinasapian ng mga demonyo na siya'y isama niya, ngunit hindi pumayag si Jesus. Sa halip ay sinabi niya sa lalaki, “Umuwi ka na at sabihin mo sa iyong mga kamag-anak ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon, at kung paano siya nahabag sa iyo.” Umalis ang lalaki at ipinamalita sa buong Decapolis ang ginawa sa kanya ni Jesus. At namangha ang lahat ng nakarinig noon. Si Jesus ay sumakay sa bangka at bumalik sa kabilang ibayo. Nasa baybayin pa lamang siya ng lawa ay dinumog na siya ng napakaraming tao. Naroon din ang isang tagapamahala ng sinagoga na ang pangalan ay Jairo. Pagkakita kay Jesus, siya'y lumuhod sa paanan nito at nagmamakaawa, “Nag-aagaw-buhay po ang anak kong dalagita. Maawa po kayo, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo sa kanya ang inyong kamay upang siya ay gumaling at mabuhay!” Sumama naman si Jesus. Ngunit sumunod din sa kanya ang napakaraming tao, kaya't halos maipit na siya. Kasama rin doon ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo. Hirap na hirap na siya sa sakit na iyon, at marami nang doktor ang sumuri sa kanya. Naubos na ang kanyang ari-arian sa pagpapagamot ngunit hindi pa rin siya gumagaling. Sa halip, lalo pang lumala ang kanyang karamdaman. Nabalitaan niya ang tungkol kay Jesus kaya't nakipagsiksikan siya hanggang sa makalapit sa likuran ni Jesus, at hinipo ang damit nito, sapagkat iniisip niyang: “mahipo ko lang ang kanyang damit, gagaling na ako.” Agad ngang tumigil ang kanyang pagdurugo at naramdaman niyang magaling na siya. Naramdaman naman ni Jesus na may kapangyarihang lumabas sa kanya, kaya't bumaling siya agad sa mga tao at nagtanong, “Sino ang humipo sa aking damit?” Sumagot ang kanyang mga alagad, “Nakikita po ninyong napakaraming nagsisiksikan sa paligid ninyo, bakit pa ninyo itinatanong kung sino ang humipo sa damit ninyo?” Subalit patuloy na lumingun-lingon si Jesus sa paghahanap sa kung sinong humipo sa damit niya. Palibhasa'y alam ng babae ang nangyari, siya'y nanginginig sa takot na lumapit kay Jesus, nagpatirapa, at ipinagtapat ang buong katotohanan. Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka na at ipanatag mo ang iyong kalooban. Ikaw ay magaling na.” Habang nagsasalita pa si Jesus, may ilang taong dumating mula sa bahay ni Jairo. “Patay na po ang inyong anak. Huwag na po ninyong abalahin ang Guro,” sabi nila. Ngunit nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya kay Jairo, “Huwag kang mawalan ng pag-asa; manampalataya ka lamang.” Walang isinama si Jesus noon maliban kina Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan. Nang dumating sila sa bahay ni Jairo, nakita ni Jesus na nagkakagulo ang mga tao, may mga nag-iiyakan at nananaghoy. Pagpasok niya ay kanyang sinabi, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata. Siya'y natutulog lamang.” Dahil sa sinabi niya, pinagtawanan siya ng mga tao. Subalit pinalabas niya ang lahat maliban sa tatlong alagad at sa mga magulang ng bata, at pumasok sila sa kinaroroonan ng bata. Hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabi, “Talitha koum,” na ang ibig sabihi'y “Ineng, bumangon ka!” Noon di'y bumangon ang bata at lumakad, at labis na namangha ang lahat. Ang batang ito'y labindalawang taóng gulang na. Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus na huwag nilang sasabihin kaninuman ang nangyari. Pagkatapos, iniutos niyang bigyan ng pagkain ang bata. Umalis doon si Jesus at umuwi siya sa sariling bayan kasama ang kanyang mga alagad. Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay nagturo sa sinagoga. Maraming tao ang nakarinig sa kanya at sa kanilang pagkamangha'y nagtatanungan sila, “Saan niya natutunan ang lahat ng iyan? Anong karunungan itong ipinagkaloob sa kanya? Paano siya nakakagawa ng mga himala? Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Tagarito rin ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” Kaya't sila'y nagduda sa kanya at siya'y hinamak nila. Dahil dito, sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta'y iginagalang ng lahat, maliban ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at mga kasambahay.” Hindi siya nakagawa ng himala roon, maliban sa ilang maysakit na pinatungan niya ng kanyang kamay at pinagaling. Nagtaka siya dahil hindi sila naniwala sa kanya. Nilibot ni Jesus ang mga nayon sa paligid at tinuruan niya ang mga tagaroon. Tinawag niya ang Labindalawa at isinugo sila nang dala-dalawa. Sila ay binigyan niya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, at pinagbilinang, “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdadala ng anuman, maliban sa tungkod. Huwag din kayong magdadala ng pagkain, bag, o pera. Magsuot kayo ng sandalyas ngunit huwag kayong magdadala ng bihisan.” Sinabi rin niya sa kanila, “Kapag kayo ay pinatuloy sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa inyong pag-alis sa bayang iyon. Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa, bilang babala sa mga tagaroon.” Humayo nga ang Labindalawa at nangaral na ang mga tao ay dapat magsisi at tumalikod sa kanilang mga kasalanan. Pinalayas nila ang mga demonyo mula sa mga sinasapian ng mga ito; pinahiran nila ng langis ang maraming maysakit at pinagaling ang mga ito. Nakarating kay Haring Herodes ang balita tungkol kay Jesus, sapagkat bantog na bantog na ito. May mga nag-aakala na si Juan na Tagapagbautismo ay muling nabuhay kaya si Jesus ay nakakagawa ng mga himala. Ngunit mayroon ding nagsasabi na siya si propeta Elias. At may iba pang nagsasabing, “Siya'y isang propeta, katulad ng mga propeta noong unang panahon.” Nang ito'y marinig ni Herodes, sinabi niya, “Siya ay si Juan na aking pinapugutan ng ulo. Muli siyang nabuhay.” Si Herodes mismo ang nagpahuli at nagpabilanggo kay Juan dahil sa kagustuhan ni Herodias. (Ang babaing ito ay pinakasalan at kinakasama ni Herodes bagama't ito'y asawa ng kapatid niyang si Felipe.) Sapagkat laging sinasabi ni Juan kay Herodes, “Labag sa batas na kasamahin mo ang asawa ng inyong kapatid!” At dahil dito, si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan at ibig niya itong ipapatay. Ngunit hindi niya ito magawâ sapagkat alam niyang natatakot si Herodes kay Juan. Itinuturing ng hari na si Juan ay taong matuwid at banal, at sinisikap niyang huwag itong mapahamak. Gustung-gusto niyang makinig kay Juan kahit na labis siyang nalilito sa mga sinasabi nito. Subalit nagkaroon din ng pagkakataon si Herodias na ipapatay si Juan nang sumapit ang kaarawan ni Herodes. Si Herodes ay nagpahanda ng malaking salu-salo at inanyayahan niya ang kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea. Nang pumasok ang anak na babae ni Herodias at nagsayaw, labis na nasiyahan si Herodes at ang mga panauhin, kaya't sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo ang anumang nais mo at ibibigay ko sa iyo.” Naipangako rin niya sa dalagang, “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo, kahit pa ang kalahati ng aking kaharian.” Kaya't lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina, “Ano po ang hihingin ko?” “Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo,” sagot ng ina. Mabilis na nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari at sinabi niya, “Ang nais ko'y ibigay ninyo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo, na nakalagay sa isang pinggan.” Labis na nalungkot ang hari, subalit dahil sa kanyang sumpang narinig ng mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga. Kaagad niyang iniutos sa isang kawal na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod nga ang kawal at pinugutan niya ng ulo si Juan sa loob ng bilangguan. Inilagay niya ang ulo sa isang pinggan at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing. Bumalik kay Jesus ang mga apostol at iniulat nila sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro. Subalit napakaraming taong dumarating at umaalis, at hindi na nila makuhang kumain. Kaya't sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Magpunta tayo sa isang lugar na kung saan maaari tayong makapagsarilinan, at upang makapagpahinga kayo nang kaunti.” Umalis nga silang sakay ng isang bangka, at nagpunta sa isang ilang na lugar. Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at nakaalam kung saan sila pupunta. Kaya't ang mga tao mula sa lahat ng bayan ay patakbong pumunta sa lugar na iyon at naunahan pa nila sila Jesus. Pagbaba ni Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol, kaya't sila'y tinuruan niya ng maraming bagay. Nang dapit-hapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi, “Ilang ang pook na ito at malapit nang lumubog ang araw. Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makapunta sila sa mga karatig-nayon at bayan upang makabili ng pagkain.” Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Bigyan ninyo sila ng makakain.” Sumagot ang mga alagad, “Nais po ba ninyong bumili kami ng pagkain sa halagang dalawandaang salaping pilak?” “Ilan ang dala ninyong tinapay? Tingnan nga ninyo,” utos niya. Pagkatapos tingnan ay kanilang sinabi, “Lima po, at dalawang isda.” Iniutos ni Jesus sa mga alagad na pangkat-pangkat na paupuin ang mga tao sa damuhan. Kaya't naupo ang mga tao nang tig-iisang daan at tiglilimampu bawat grupo. Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Hinati-hati niya ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Hinati-hati rin niya ang dalawang isda at ipinamahagi rin nila. Ang lahat ay nakakain at nabusog, at nang tipunin ng mga alagad ang lumabis na tinapay at isda, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing. May limanlibong lalaki ang kumain ng tinapay. Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang kanyang mga alagad. Sila ay pinauna niya sa Bethsaida, sa kabilang ibayo ng lawa, habang pinapauwi naman niya ang mga tao. Matapos magpaalam, umakyat siya sa bundok upang manalangin. Nang sumapit ang gabi, nasa laot na ang bangka, habang si Jesus naman ay nag-iisa sa pampang. Nakita niyang nahihirapan sa pagsagwan ang kanyang mga alagad dahil pasalungat sila sa ihip ng hangin. Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Nang malalampasan na niya ang mga alagad, nakita ng mga ito na siya ay lumalakad sa ibabaw ng tubig. Akala nila siya ay isang multo kaya sila ay nagsisigaw. Takot na takot silang lahat, ngunit agad na sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong matakot. Ako ito! Lakasan ninyo ang inyong loob!” Sumakay siya sa bangka at pumayapa ang hangin. Sila'y lubhang namangha sapagkat hindi pa nila nauunawaan ang tunay na kahulugan ng nangyari sa tinapay; hindi pa ito abot ng kanilang isip. Tumawid sila sa ibayo at pagdating sa Genesaret ay dumaong sila sa pampang. Pagbabang-pagbaba nila, nakilala agad siya ng mga tao. Kaya't nagmadaling nilibot ng mga tao ang mga karatig-pook at sinundo ang mga maysakit. Dinadala nila ang mga nakaratay sa higaan, saanman nila mabalitaang naroon si Jesus. At saan man siya pumunta, sa nayon, sa lunsod, o sa kabukiran, agad na inilalapit sa kanya ang mga may karamdaman at ipinapakiusap sa kanya na mahawakan man lamang nila ang laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng makahawak dito ay gumagaling. Lumapit kay Jesus ang mga Pariseo kasama ang ilang tagapagturo ng Kautusan na galing pa sa Jerusalem. Nakita nila ang ilan sa mga alagad niya na kumakain nang hindi muna naghuhugas ng kamay ayon sa kinaugalian. (Sapagkat ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo, ay hindi kumakain hangga't hindi muna sila nakapaghuhugas ng kamay ayon sa kaugaliang minana nila mula sa kanilang mga ninuno. Hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna ito hinuhugasan. Marami pa silang sinusunod na katuruang minana, tulad ng paghuhugas ng mga tasa, pitsel, sisidlang tanso, at mga higaan. ) Kaya tinanong si Jesus ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan, “Bakit hindi sumusunod ang mga alagad mo sa mga turo ng ating mga ninuno? Kumakain sila nang hindi muna naghuhugas ng kamay ayon sa kaugalian.” Sinagot sila ni Jesus, “Mga mapagkunwari! Tama nga ang sinabi ni Isaias tungkol sa inyo, nang kanyang isulat, ‘Ang paggalang sa akin ng bayang ito ay pakunwari lamang, sapagkat ito'y sa bibig at hindi sa puso bumubukal. Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba, sapagkat itinuturo nilang galing sa Diyos ang kanilang mga utos.’ Winawalang-kabuluhan ninyo ang utos ng Diyos, at ang sinusunod ninyo'y mga katuruan ng tao.” Sinabi pa ni Jesus, “Ang gagaling ninyo! Para lamang masunod ang inyong mga tradisyon, pinapawalang-bisa ninyo ang utos ng Diyos! Halimbawa, iniutos ni Moises na ‘Igalang mo ang iyong ama at ina’, at ‘Ang sinumang lumait sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.’ Ngunit itinuturo naman ninyo na kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Naihandog ko na sa Diyos ang mga tulong ko sa inyo’; ang taong iyon ay hindi na ninyo pinapatulong sa kanilang mga magulang. Sa gayong paraan, pinapawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga itinuturo ninyo. At marami pa kayong itinuturong katulad nito.” Muling pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat at unawain ang aking sasabihin! Iniwan ni Jesus ang mga tao, at nang makapasok na siya sa bahay, siya'y tinanong ng kanyang mga alagad tungkol sa talinhaga. “Hanggang ngayon ba ay hindi pa rin ninyo ako maunawaan?” tanong ni Jesus. “Hindi ba ninyo alam na hindi ang anumang mula sa labas ng tao ang nakapagpaparumi sa kanya, sapagkat hindi naman iyon pumapasok sa kanyang puso, kundi sa tiyan, at pagkatapos ay idinudumi.” Sa ganitong paraan ay ipinahayag ni Jesus na ang lahat ng pagkain ay maaaring kainin. At sinabi rin niya, “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Diyos. Sapagkat sa loob, sa puso ng tao, nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya upang makiapid, magnakaw, pumatay, mangalunya, mag-imbot, gumawa ng kasamaan tulad ng pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, pagmamayabang, at kahangalan. Ang lahat ng ito ay nanggagaling sa puso at ang mga ito ang siyang nagpaparumi sa kanya.” Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lunsod ng Tiro. Tumuloy siya sa isang bahay doon at ayaw niyang malaman ninuman na naroon siya. Subalit hindi ganoon ang nangyari. Ang pagdating niya'y nabalitaan ng isang inang may anak na babaing sinasapian ng masamang espiritu. Pumunta agad kay Jesus ang ina at nagpatirapa sa kanyang harapan. Ang babaing ito'y isang Griego na Sirofenicia. Nakiusap ito kay Jesus na palayasin ang demonyong sumapi sa kanyang anak. Ngunit sinabi ni Jesus, “Kailangang ang mga anak muna ang pakainin. Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga aso.” Tugon ng babae, “Tunay nga po, Panginoon, ngunit kinakain din ng mga asong nasa ilalim ng mesa ang tira ng mga anak.” Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Dahil sa sinabi mo, maaari ka nang umuwi. Iniwan na ng demonyo ang iyong anak.” Umuwi ang babae at naratnan niya sa higaan ang bata. Iniwan na nga ito ng demonyo. Pagbalik ni Jesus mula sa lupain ng Tiro, dumaan siya sa Sidon at nagtuloy sa Lawa ng Galilea, matapos tahakin ang lupain ng Decapolis. Dinala ng mga tao sa kanya ang isang lalaking bingi at pipi, at nakiusap sila sa kanya na ipatong niya rito ang kanyang kamay. Inilayo muna ni Jesus sa karamihan ang lalaki, at isinuot ang kanyang mga daliri sa mga tainga nito. Pagkatapos, lumura si Jesus at ipinahid ito sa dila ng pipi. Tumingala si Jesus sa langit at nagbuntong-hininga. Pagkatapos, inutos niya sa tainga ng lalaki, “Effata,” na ang ibig sabihi'y, “Bumukas ka!” Noon di'y nakarinig ang lalaki at nakapagsalita na nang maayos. Sinabi ni Jesus sa mga tao na huwag ipamalita ito, ngunit habang pinagbabawalan niya ang mga tao ay lalo naman nila itong ipinamamalita. Buong paghangang sinasabi nila, “Ang lahat ng kanyang ginagawa ay napakabuti! Pinapagaling pa niya ang mga bingi at pipi!” Nang mga araw na iyon, muling nagkatipon ang napakaraming tao. Wala nang makain ang mga ito kaya't tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Naaawa ako sa mga taong ito sapagkat tatlong araw na ngayong kasama ko sila at wala na silang makain. Kung pauuwiin ko sila nang gutom, mahihilo sila sa daan; malayo pa naman ang pinanggalingan ng ilan sa kanila.” “Ito po ay isang ilang na lugar. Saan po tayo kukuha ng pagkain para sa ganito karaming tao?” tanong ng mga alagad. “Ilang tinapay pa ang natitira?” tanong ni Jesus. “Pito po,” sagot nila. Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao at kinuha ang pitong tinapay. Nagpasalamat siya sa Diyos, hinati-hati ang mga tinapay at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Ganoon nga ang ginawa ng mga alagad. Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Muli siyang nagpasalamat sa Diyos at pagkatapos ay iniutos niyang ipamahagi din iyon sa mga tao. Kumain ang lahat at nabusog. Nang tipunin nila ang lumabis, nakapuno pa sila ng pitong kaing. May apat na libong tao ang kumain. Matapos pauwiin ang mga tao, sumakay si Jesus sa bangka, kasama ang kanyang mga alagad, at nagtungo sila sa lupain ng Dalmanuta. May dumating na mga Pariseo at nakipagtalo kay Jesus. Nais nilang subukin siya kaya't hiniling nilang magpakita siya ng isang himala mula sa langit. Napabuntong-hininga si Jesus at sinabi sa kanila, “Bakit naghahanap kayo ng himala? Pakatandaan ninyo: kailanma'y hindi makakakita ng anumang tanda ang salinlahing ito.” At sila'y iniwan niya. Muli siyang sumakay sa bangka at tumawid sa ibayo. Nakalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay, at iisa na lamang ang natira sa tinapay na dala nila sa bangka. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang ginagamit ng mga Pariseo at ni Herodes.” Sabi nila sa isa't isa, “Wala kasi tayong dalang tinapay kaya sinabi niya iyon.” Dahil alam ni Jesus ang kanilang pinag-uusapan, sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo pinag-uusapang kayo'y walang dalang tinapay? Hindi pa ba kayo nakakaintindi? Hindi pa ba ito abot ng inyong isip? Wala ba kayong mata? Wala ba kayong tainga? Nakalimutan na ba ninyo nang paghati-hatiin ko ang limang tinapay para sa limanlibong tao? Ilang kaing ang napuno ninyo ng lumabis na pagkain?” “Labindalawa po,” tugon nila. “At nang paghati-hatiin ko ang pitong tinapay para sa apat na libong tao, ilang kaing ang napuno ninyo?” tanong niya. “Pito po,” muli nilang sagot. “At hindi pa rin ba ninyo nauunawaan ito?” tanong niya. Pagdating nila sa Bethsaida, dinala ng ilang tao kay Jesus ang isang bulag at pinakiusapan nilang hipuin niya ang taong ito. Inakay niya ang bulag at dinala ito sa labas ng bayan. Matapos duraan at takpan ang mga mata nito ng kanyang kamay, tinanong ni Jesus, “May nakikita ka ba?” Tumingin ang lalaki at sumagot, “Nakakakita po ako ng mga tao na parang punongkahoy na naglalakad.” Muling inilagay ni Jesus ang kanyang mga kamay sa mga mata ng bulag. Sa pagkakataong ito, tuminging mabuti ang bulag. Nanumbalik ang kanyang paningin at nakakita na siya nang malinaw. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Maaari ka nang umuwi. Huwag ka nang bumalik sa bayan.” Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa mga nayon ng Cesarea na sakop ng Filipos. Habang sila'y naglalakbay, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin?” Sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan, kayo daw po si Juan na Tagapagbautismo; sabi naman ng iba, si Elias daw kayo; may nagsasabi ring isa raw kayo sa mga propeta.” “Ngunit para sa inyo, ano ang masasabi ninyo tungkol sa akin?” tanong niya. Sumagot si Pedro, “Kayo po ang Cristo.” “Huwag ninyong sasabihin kaninuman kung sino ako,” mahigpit na utos niya sa kanila. Mula noon, ipinaalam na ni Jesus sa mga alagad ang mangyayari sa kanya. Sinabi niya, “Ang Anak ng Tao ay dapat magdanas ng matinding hirap. Siya'y itatakwil ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y ipapapatay ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.” Hayagang sinabi niya ito sa kanila at dahil dito'y dinala siya ni Pedro sa isang tabi at sinimulang pagalitan. Ngunit tumalikod si Jesus, tumingin sa mga alagad, at sinabi kay Pedro, “Umalis ka sa harap ko, Satanas! Ang iniisip mo'y hindi galing sa Diyos kundi sa tao.” Pinalapit ni Jesus ang mga tao at ang kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. Ang sinumang nagnanais na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay magkakamit nito. Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? Ano ba ang maibabayad ng isang tao para mabawi niya ang kanyang buhay? Kapag ikinahiya ninyo ako at ang aking mga salita sa harap ng mga taksil at makasalanang mga tao sa panahong ito, ikakahiya rin kayo ng Anak ng Tao pagparito niya na taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama, at kasama ang mga banal na anghel.” Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Tandaan ninyo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikitang makapangyarihang naghahari ang Diyos.” Pagkaraan ng anim na araw, umakyat si Jesus sa isang mataas na bundok. Wala siyang isinama roon maliban kina Pedro, Santiago at Juan. Habang sila'y naroroon, nakita ng tatlo na nagbago ang anyo ni Jesus. Nagningning sa kaputian ang kanyang kasuotan; walang sinuman sa lupa ang makapagpapaputi nang gayon. At nakita rin nila roon si Elias at si Moises na nakikipag-usap kay Jesus. Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Guro, mabuti po na nandito kami. Gagawa po kami ng tatlong kubol, isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.” Nasabi ito ni Pedro sapagkat sila ay takot na takot. Nililiman sila ng makapal na ulap at mula rito'y may isang tinig na nagsabi, “Ito ang pinakamamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!” Nang tumingin sa paligid ang mga alagad, wala na silang ibang nakita maliban kay Jesus. Nang sila'y bumababa na mula sa bundok, mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus na huwag sasabihin kaninuman ang kanilang nakita hangga't hindi pa muling nabubuhay ang Anak ng Tao. Sinunod nila ang tagubiling ito, ngunit sila'y nagtanungan sa isa't isa kung ano ang kahulugan ng sinabi niyang muling pagkabuhay. At tinanong nila si Jesus, “Bakit po sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na dapat munang dumating si Elias?” Tumugon siya, “Darating nga muna si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. Ngunit bakit sinasabi din sa Kasulatan na ang Anak ng Tao'y hahamakin at magtitiis ng maraming hirap? Subalit sinasabi ko sa inyo, dumating na nga si Elias at ginawa sa kanya ng mga tao ang nais nila, ayon sa nasusulat tungkol sa kanya.” Nang magbalik sila, naratnan nila ang ibang mga alagad na napapaligiran ng napakaraming tao gayundin ng mga tagapagturo ng Kautusan na nakikipagtalo sa kanila. Nang makita si Jesus ng mga tao, nagulat sila at patakbo nilang sinalubong upang batiin si Jesus. Tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad, “Ano ang inyong pinagtatalunan?” Sumagot ang isa mula sa karamihan, “Guro, dinala ko po rito sa inyo ang aking anak na lalaki dahil siya'y sinasapian ng masamang espiritu at hindi makapagsalita. Tuwing siya'y sinasapian nito, siya'y ibinubuwal; bumubula ang kanyang bibig, nagngangalit ang kanyang mga ngipin, at siya'y naninigas. Hiniling ko po sa inyong mga alagad na palayasin nila ang masamang espiritu ngunit hindi nila ito mapalayas.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Lahing walang pananampalataya! Hanggang kailan pa ba ako mananatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!” Dinala nga nila ang bata sa kanya. Nang si Jesus ay makita ng espiritu, biglang pinapangisay nito ang bata. Ang bata'y natumba sa lupa at gumulung-gulong na bumubula ang bibig. “Kailan pa siya nagkaganyan?” tanong ni Jesus sa ama. “Simula pa po noong bata siya!” tugon niya. “Gusto po siyang patayin ng masamang espiritu. Madalas inihahagis po siya nito sa apoy at itinatapon siya sa tubig. Subalit kung may magagawa kayo, kami po ay kaawaan at tulungan ninyo.” “Kung may magagawa ako?” tanong ni Jesus. “Mangyayari ang lahat sa sinumang may pananampalataya.” Agad namang sumagot ang ama ng bata, “Naniniwala po ako! Tulungan po ninyo akong madagdagan pa ang aking pananampalataya.” Nang makita ni Jesus na dumadami ang mga tao, sinabi niya sa masamang espiritu, “Inuutusan kita, espiritu ng pagkapipi at pagkabingi, lumabas ka sa bata at huwag ka nang babalik sa kanya!” Nagsisigaw ang masamang espiritu, pinangisay ang bata at saka lumabas. Nagmistulang bangkay ang bata kaya't sinabi ng marami, “Patay na siya!” Ngunit ang bata'y hinawakan ni Jesus sa kamay, ibinangon, at ito'y tumayo. Nang pumasok si Jesus sa bahay, palihim siyang tinanong ng kanyang mga alagad, “Bakit po hindi namin napalayas ang masamang espiritung iyon?” Sumagot si Jesus, “Mapapalayas lamang ang ganitong uri ng espiritu sa pamamagitan ng panalangin.” Pag-alis nila roon, nagdaan sila sa Galilea. Ayaw niyang malaman ng mga tao ang kanyang kinaroroonan, dahil tinuturuan niya noon ang kanyang mga alagad na ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga tao at papatayin, ngunit siya'y mabubuhay muli pagkatapos ng tatlong araw. Ngunit hindi nila naunawaan ang kanyang sinabi, at natatakot din naman silang magtanong sa kanya. Dumating sila sa Capernaum. Nang sila'y nasa bahay na, tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad, “Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?” Hindi sila makasagot sapagkat ang pinagtatalunan nila'y kung sino sa kanila ang pinakadakila. Naupo si Jesus, tinawag ang Labindalawa at sinabi sa kanila, “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.” Tinawag niya ang isang maliit na bata at pinatayo sa harapan nila. Pagkatapos, kinalong niya ito at sinabi sa kanyang mga alagad, “Ang sinumang tumatanggap sa isang maliit na batang tulad nito alang-alang sa aking pangalan ay tumatanggap sa akin; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay hindi lamang ako ang kanyang tinatanggap kundi pati na rin ang nagsugo sa akin.” Sinabi sa kanya ni Juan, “Guro, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng inyong pangalan. Pinagbawalan namin siya dahil hindi natin siya kasamahan.” Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan sapagkat ang taong gumagawa ng himala sa pamamagitan ng pangalan ko ay hindi agad magsasalita ng masama laban sa akin. Sapagkat ang sinumang hindi laban sa atin ay panig sa atin. Tandaan ninyo: ang sinumang magbigay sa inyo ng isang basong tubig dahil sa kayo'y tagasunod ko ay tiyak na tatanggap ng gantimpala.” “Mabuti pa sa isang tao ang siya'y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bato at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananalig sa akin. At kung ang isang mata mo ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito! Mabuti pang pumasok ka sa kaharian ng Diyos na kulang ng isang mata, kaysa may dalawang matang itapon ka sa impiyerno. Doo'y hindi namamatay ang mga uod at ang apoy. “Sapagkat ang bawat isa'y dadalisayin sa apoy. Mabuti ang asin, ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Maging kagaya kayo ng asin, at mamuhay kayong mapayapa sa isa't isa.” Pag-alis doon, si Jesus ay nagpunta sa lupain ng Judea at tumawid sa ibayo ng Ilog Jordan. Muling dumagsa ang maraming tao at tulad ng dati, sila'y kanyang tinuruan. May ilang Pariseong gustong subukin si Jesus; kaya't lumapit sila at nagtanong, “Naaayon po ba sa Kautusan na palayasin at hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?” Sumagot siya, “Ano ba ang utos ni Moises sa inyo?” Sumagot naman sila, “Ipinahintulot po ni Moises na ang lalaki ay gumawa ng kasulatan ng paghihiwalay bago niya palayasin at hiwalayan ang kanyang asawa.” Ngunit sinabi ni Jesus, “Ginawa ni Moises ang utos na iyon dahil sa katigasan ng inyong ulo. Subalit simula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, nilalang na niya ang tao na lalaki at babae. ‘Dahil dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, magsasama sila ng kanyang asawa at ang dalawa'y magiging isa.’ Hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng sinuman.” Pagdating sa bahay, ang mga alagad naman ang nagtanong kay Jesus tungkol sa bagay na ito. Sinabi niya sa kanila, “Kapag pinalayas at hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa at mag-asawa ng iba, siya ay nagkakasala ng pangangalunya sa kanyang asawa. Gayon din naman, ang babaing magpalayas at humiwalay sa kanyang asawa, at mag-asawa ng iba ay nagkakasala rin ng pangangalunya.” May mga taong nagdala ng mga bata kay Jesus upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay, ngunit pinagalitan sila ng mga alagad. Nagalit si Jesus nang makita ito at sinabi sa kanila, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, at huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng Diyos. Tandaan ninyo: ang sinumang hindi kumikilala sa paghahari ng Diyos, tulad sa pagkilala ng isang maliit na bata, ay hinding-hindi paghaharian ng Diyos.” Kinalong ni Jesus ang mga bata, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila. Nang siya'y paalis na, may isang lalaking patakbong lumapit kay Jesus, lumuhod sa harapan niya at nagtanong, “Mabuting Guro, ano po ba ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?” Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang. Alam mo ang mga utos ng Diyos, ‘Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; huwag kang mandaraya; igalang mo ang iyong ama at ina.’” Sumagot ang lalaki, “Guro, mula pa po sa aking pagkabata ay tinutupad ko na ang mga iyan.” Magiliw siyang tiningnan ni Jesus at sinabi, “May isang bagay pa na dapat mong gawin. Ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ibigay mo sa mga mahihirap ang pinagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” Nang marinig ito ng lalaki, siya'y nanlumo at malungkot na umalis sapagkat siya'y lubhang napakayaman. Pinagmasdan ni Jesus ang mga nasa paligid niya at sinabi sa mga alagad, “Tunay ngang napakahirap para sa mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos!” Nagtaka ang mga alagad sa sinabi niyang ito. Ngunit muling sinabi ni Jesus, “Mga anak, talagang napakahirap makapasok sa kaharian ng Diyos! Mas madali pang dumaan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa isang mayaman na mapabilang sa kaharian ng Diyos.” Lalong nagtaka ang mga alagad, kaya't nagtanong sila, “Kung gayon, sino pa kaya ang maliligtas?” Tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Hindi ito kayang gawin ng tao, ngunit hindi ito imposible sa Diyos. Sapagkat ang lahat ng bagay ay kayang gawin ng Diyos.” At nagsalita si Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan na namin ang lahat at kami'y sumunod sa inyo.” Sumagot si Jesus, “Tandaan ninyo: ang sinumang nag-iwan ng kanyang tahanan, o mga kapatid, mga magulang, mga anak, mga lupain, dahil sa akin at sa Magandang Balita, ay tatanggap sa buhay na ito ng isandaang ulit pa ng mga iyon; mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, at mga lupain, ngunit may kalakip na pag-uusig. At sa panahong darating, magtatamo siya ng buhay na walang hanggan. Ngunit maraming nauuna na mahuhuli, at maraming nahuhuli ang mauuna.” Nasa daan sila papuntang Jerusalem. Nauuna sa kanila si Jesus; nangangamba ang mga alagad at natatakot naman ang mga taong sumusunod sa kanya. Muling ibinukod ni Jesus ang Labindalawa at sinabi sa kanila ang mangyayari sa kanya. Sabi niya, “Papunta tayo ngayon sa Jerusalem kung saan ang Anak ng Tao'y ipagkakanulo sa mga punong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y hahatulan nila ng kamatayan at ibibigay sa mga Hentil. Siya ay kanilang hahamakin, duduraan, hahagupitin, at papatayin. Ngunit pagkaraan ng tatlong araw, siya'y muling mabubuhay.” Lumapit kay Jesus ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan. Sinabi nila, “Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo.” “Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo?” tanong ni Jesus. Sumagot sila, “Sana po ay makaupo kaming katabi ninyo sa inyong kaharian, isa sa kanan at isa sa kaliwa.” Ngunit sabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Maiinuman ba ninyo ang kopa na aking iinuman? Makakaya ba ninyo ang bautismong ibabautismo sa akin?” “Opo,” tugon nila. Sinabi ni Jesus, “Ang kopang aking iinuman ay iinuman nga ninyo, at babautismuhan nga kayo sa bautismong tatanggapin ko. Ngunit hindi ako ang magpapasya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga karangalang iyan ay para sa mga pinaglaanan.” Nang malaman ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. Kaya't pinalapit sila ni Jesus at sinabi, “Alam ninyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga Hentil ang siyang namumuno sa kanila, at ang mga dinadakila ang siyang nasusunod. Ngunit hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na nais maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo, at ang sinumang nais maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at upang mag-alay ng kanyang buhay para sa ikatutubos ng marami.” Dumating sina Jesus sa Jerico. Nang papaalis na siya sa Jerico kasama ang kanyang mga alagad at marami pang iba, may nadaanan silang isang bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. Siya'y si Bartimeo na anak ni Timeo. Nang marinig ng bulag na ang nagdaraan ay si Jesus na taga-Nazaret, sumigaw siya nang sumigaw, “Jesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” Pinagsabihan siya ng mga taong naroroon upang tumahimik, ngunit lalo pa siyang nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” Tumigil si Jesus at kanyang sinabi, “Dalhin ninyo siya rito.” At tinawag nga nila ang bulag. “Lakasan mo ang iyong loob. Tumayo ka. Ipinapatawag ka ni Jesus,” sabi nila. Inihagis niya ang kanyang balabal, paluksong tumayo at lumapit kay Jesus. “Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?” tanong sa kanya ni Jesus. Sumagot ang bulag, “Guro, gusto ko pong makakitang muli.” Sinabi ni Jesus, “Kung gayon, magaling ka na dahil sa iyong pananampalataya.” Noon di'y nakakita siyang muli, at sumunod kay Jesus. Narating nila Jesus ang mga bayan ng Bethfage at Bethania, malapit sa may Bundok ng mga Olibo. Nang papalapit na sila sa Jerusalem, pinauna ni Jesus ang dalawa sa mga alagad at sinabi sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Pagpasok na pagpasok, makikita ninyo ang isang batang asno na hindi pa nasasakyan ninuman. Kalagan ninyo iyon at dalhin dito. Kapag may nagtanong kung bakit ninyo kinakalagan iyon, sabihin ninyong iyon ay kailangan ng Panginoon at ibabalik din niya agad.” Kaya't lumakad ang dalawang alagad at nakita nga nila ang batang asno sa tabi ng daan, nakatali ito sa may pinto ng isang bahay. Nang kinakalagan na nila ang hayop, tinanong sila ng ilang nakatayo roon, “Bakit ninyo kinakalagan iyan?” Sumagot sila gaya ng bilin ni Jesus, at hinayaan na silang umalis. Dinala nila kay Jesus ang batang asno, at matapos isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal, sumakay dito si Jesus. Marami ang naglatag ng kanilang mga balabal sa daan, samantalang ang iba nama'y pumutol ng madahong sanga ng kahoy at iyon ang kanilang inilatag sa daan. Ang mga tao sa unahan at sa hulihan ni Jesus ay sumisigaw ng ganito, “Purihin ang Diyos! Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Pagpalain nawa ang itatatag nang kaharian ng ating amang si David! Purihin ang Panginoon sa Kataas-taasan!” Pumunta si Jesus sa Jerusalem at pumasok sa Templo. Pagkatapos niyang makita ang lahat ng bagay doon, lumabas siya at nagbalik sa Bethania na kasama ang Labindalawa, sapagkat gumagabi na noon. Kinabukasan, nang pabalik na sila mula sa Bethania, si Jesus ay nakaramdam ng gutom. Nakita niya sa di-kalayuan ang isang malagong puno ng igos. Nilapitan niya ito upang tingnan kung may bunga. Dahil hindi pa panahon ng igos noon, wala siyang nakita kundi mga dahon lamang. Kaya't sinabi niya sa puno ng igos, “Wala nang makakakain pa ng iyong bunga.” Ang sinabi niyang iyon ay narinig ng kanyang mga alagad. Pagdating nila sa Jerusalem, si Jesus ay pumasok sa Templo. Ipinagtabuyan niya ang mga nagbebenta at namimili roon, at ipinagtataob niya ang mga mesa ng mga namamalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng kalapati. Pinagbawalan din niyang tumawid sa patyo ng Templo ang mga may dalang paninda at tinuruan niya ang mga tao nang ganito, “Hindi ba't nasusulat, ‘Ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa?’ Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw!” Narinig ito ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Buhat noo'y humanap na sila ng paraan upang maipapatay si Jesus. Subalit natatakot sila sa kanya dahil humahanga ang lahat sa kanyang mga turo. Pagsapit ng gabi, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay muling lumabas ng lunsod. Kinaumagahan, pagdaan nila'y nakita nilang natuyo ang puno ng igos hanggang sa mga ugat nito. Naalala ni Pedro ang nangyari dito kaya't kanyang sinabi kay Jesus, “Guro, tingnan ninyo! Patay na ang puno ng igos na isinumpa ninyo.” Sumagot si Jesus, “Manalig kayo sa Diyos. Tandaan ninyo ito: kung kayo'y nananampalataya sa Diyos at hindi kayo nag-aalinlangan, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, ‘Umalis ka riyan at tumalon ka sa dagat,’ at ito nga ay mangyayari. Kaya't sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa inyong panalangin, maniwala kayong natanggap na ninyo iyon, at matatanggap nga ninyo iyon. Muli silang pumasok sa Jerusalem. Habang si Jesus ay naglalakad sa patyo ng Templo, nilapitan siya ng mga punong pari, ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng bayan. Siya'y tinanong nila, “Ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng ganyang karapatan?” Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko kayo. Sagutin ninyo ito at sasabihin ko sa inyo kung kanino galing ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito. Sabihin ninyo sa akin; kanino nagmula ang karapatan ni Juan na magbautismo, sa Diyos ba o sa mga tao?” At sila'y nag-usap-usap, “Kung sasabihin nating mula sa Diyos, itatanong naman niya sa atin kung bakit hindi natin pinaniwalaan si Juan. Ngunit kung sasabihin naman nating mula sa tao, baka kung ano naman ang gawin sa atin ng mga tao.” Nangangamba sila sapagkat naniniwala ang marami na si Juan ay isang tunay na propeta. Kaya't ganito ang kanilang isinagot: “Hindi namin alam!” Sinabi naman ni Jesus sa kanila, “Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung kanino galing ang karapatan kong gawin ang mga ito.” At tinuruan ni Jesus ang mga tao sa pamamagitan ng mga talinhaga. Sinabi niya, “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Pinabakuran niya ang ubasan, nagpagawa ng pisaan ng ubas at nagpatayo ng isang mataas na bantayan. Pagkatapos, pinaupahan niya ang ubasan sa mga katiwala at siya'y nagpunta sa ibang lupain. Nang dumating ang panahon ng pitasan ng ubas, pinapunta niya ang isang alipin upang kunin sa mga katiwala ang kanyang kaparte. Ngunit sinunggaban ng mga katiwala ang utusan, binugbog at saka pinauwing walang dala. Muling nagsugo ang may-ari ng isa pang alipin, ngunit ito ay hinampas sa ulo at nilait-lait ng mga katiwala. Nagsugo na naman ang may-ari ng isa pang alipin ngunit pinatay naman nila ito. Ganoon din ang ginawa nila sa marami pang iba, may binugbog at may pinatay. Hindi nagtagal, iisa na lang ang natitirang maaaring papuntahin ng may-ari, ang kanyang minamahal na anak. Kaya't pinapunta niya ito sa pag-aakalang, ‘Igagalang nila ang aking anak.’ Ngunit nag-usap-usap ang mga katiwala, ‘Ang taong iyan ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya upang ganap nang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’ Kaya't sinunggaban nila at pinatay ito, at pagkatapos ay itinapon ang kanyang bangkay sa labas ng ubasan. “Ano kaya ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Pupuntahan niya at papatayin ang mga katiwalang iyon, at ang ubasan ay ipapamahala niya sa iba. Hindi ba't nabasa na ninyo ang sinasabi sa kasulatan, ‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong-panulukan. Ito'y ginawa ng Panginoon, at kahanga-hangang pagmasdan?’” Nang mahalata ng mga pinuno ng mga Judio na sila ang pinapatamaan ng talinhagang iyon, tinangka nilang dakpin si Jesus. Subalit hindi nila ito magawâ sapagkat natatakot sila sa mga tao. Kaya't umalis na lamang sila at iniwan si Jesus. Ilang Pariseo at ilan sa mga tagasunod ni Herodes ang pinapunta kay Jesus upang siluin siya sa kanyang pananalita. Kaya lumapit sila sa kanya at sinabi, “Guro, nalalaman po naming kayo'y tapat at walang kinikilingan. Pantay-pantay ang pagtingin ninyo sa lahat ng tao at itinuturo ninyo ang tunay na kalooban ng Diyos para sa tao. Nais po naming itanong kung labag ba sa ating Kautusan ang magbayad ng buwis sa Emperador. Dapat po ba kaming magbayad ng buwis o hindi?” Alam ni Jesus na sila'y nagkukunwari lamang, kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit ba ninyo ako sinusubok? Bigyan ninyo ako ng isang salaping pilak.” At siya nga ay binigyan nila ng salaping pilak. “Kaninong larawan at pangalan ang nakatatak dito?” tanong ni Jesus sa kanila. “Sa Emperador po,” tugon nila. Sinabi ni Jesus, “Ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Diyos ang para sa Diyos.” At sila'y labis na namangha sa kanyang sagot. May ilang Saduseo na lumapit kay Jesus upang magtanong. Ang mga ito ay nagtuturo na hindi muling mabubuhay ang mga patay. Sinabi nila, “Guro, isinulat po ni Moises para sa atin, ‘Kung mamatay ang kuya ng isang lalaki at ang asawa nito'y maiwang walang anak, siya ay dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.’ Mayroon pong pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, subalit siya'y namatay na walang anak. Pinakasalan ng pangalawang kapatid ang biyuda subalit ito ay namatay ring walang anak. Ganoon din ang nangyari sa pangatlo. Isa-isang napangasawa ng babae ang pitong magkakapatid at silang lahat ay namatay na walang anak. Sa kahuli-huliha'y ang babae naman ang namatay. Kapag binuhay na muli ang mga patay sa araw ng muling pagkabuhay, sino po ba sa pitong magkakapatid ang kikilalaning asawa ng babaing iyon, sapagkat silang lahat ay napangasawa niya?” Sumagot si Jesus, “Maling-mali ang paniniwala ninyo, dahil hindi ninyo nauunawaan ang itinuturo ng Kasulatan at ang kapangyarihan ng Diyos. Sa muling pagkabuhay, ang mga tao'y hindi na mag-aasawa; sila'y magiging katulad na ng mga anghel sa langit. Tungkol naman sa muling pagkabuhay, hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises, sa kasaysayan ng nagliliyab na mababang puno, ang sinabi ng Diyos sa kanya? Ito ang sinabi niya, ‘Ako ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.’ Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay; siya ang Diyos ng mga buháy. Talagang maling-mali kayo!” Ang kanilang pagtatalo ay narinig ng isa sa mga tagapagturo ng Kautusan na naroon. Nakita niyang mahusay ang pagkasagot ni Jesus sa mga Saduseo kaya siya naman ang lumapit upang magtanong, “Alin po ba ang pinakamahalagang utos?” Sumagot si Jesus, “Ito ang pinakamahalagang utos: ‘Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon nating Diyos ang tanging Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong pag-iisip at buong lakas.’ Ito naman ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.” Wika ng tagapagturo ng Kautusan, “Tama po, Guro! Totoo ang sinabi ninyo. Iisa nga ang Diyos at wala nang iba liban sa kanya. At higit na mahalaga ang umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip at buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng pag-ibig sa sarili, kaysa magdala ng lahat ng handog na susunugin at iba pang mga alay.” Nakita ni Jesus na maganda ang sagot nito kaya't sinabi niya, “Hindi ka na nalalayo sa kaharian ng Diyos.” At mula noon ay wala nang nangahas na magtanong kay Jesus. Habang si Jesus ay nagtuturo sa Templo, sinabi niya, “Bakit sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na ang Cristo ay anak ni David? Hindi ba't si David na rin ang nagpahayag ng ganito nang siya'y gabayan ng Espiritu Santo: “Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, ‘Maupo ka sa kanan ko, hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.’” Si David na rin ang tumawag sa kanya ng Panginoon; paano siya magiging anak ni David?” Napakaraming tao ang malugod na nakikinig sa kanya. Sa kanyang pagtuturo, sinabi ni Jesus, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan na mahilig magpalakad-lakad na suot ang kanilang mahahabang damit at nagagalak na sila'y igalang ng mga tao. Ang gusto nila ay ang mga natatanging upuan sa mga sinagoga at ang mga upuang pandangal sa mga handaan. Hinuhuthot nila ang ari-arian ng mga biyuda at ang mahahaba nilang dasal ay mga pagkukunwari lamang. Dahil diyan, lalo pang bibigat ang parusang igagawad sa kanila.” Naupo si Jesus sa tapat ng lalagyan ng mga kaloob doon sa Templo, at pinagmasdan ang mga naghahandog ng salapi. Napansin niyang maraming mayayaman ang naghuhulog ng malalaking halaga. Lumapit naman ang isang biyudang mahirap at naghulog ng dalawang tigsisingkwenta sentimo. Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo, ang inihandog ng biyudang iyon ay higit na marami kaysa sa inihulog nilang lahat. Sapagkat ang lahat ay nagkaloob ng bahagi lamang ng kanilang kayamanan, ngunit ang ibinigay ng biyudang iyon, bagama't siya'y mahirap, ay ang buo niyang ikinabubuhay.” Nang palabas na si Jesus sa Templo, sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad, “Guro, tingnan po ninyo! Kaylalaki ng mga gusali at kaygaganda ng mga batong ginamit dito!” Sumagot si Jesus, “Nakikita mo ba ang naglalakihang gusaling iyan? Wala riyang matitirang magkapatong na bato. Ang lahat ay iguguho!” Habang nakaupo si Jesus sa Bundok ng mga Olibo, sa may tapat ng Templo, palihim siyang tinanong nina Pedro, Santiago, Juan at Andres, “Kailan po ba mangyayari ang mga bagay na ito, at ano po ba ang palatandaan na ang lahat ng mga ito'y malapit nang maganap?” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo malinlang ninuman. Maraming lilitaw at magpapanggap na sila ang Cristo, at ililigaw nila ang marami. Huwag kayong mababagabag kung makabalita kayo ng mga digmaang malapit sa inyo at mga digmaan sa malayong lugar. Dapat mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa ito ang wakas. Sapagkat makikipagdigma ang mga bansa laban sa kapwa bansa at ang mga kaharian laban sa kapwa kaharian. Lilindol sa iba't ibang dako, at magkakaroon ng mga taggutom. Ang mga ito'y pasimula pa lamang ng paghihirap na tulad ng nararanasan ng isang nanganganak. “Mag-ingat kayo! Sapagkat kayo'y darakpin at isasakdal sa mga Sanedrin, hahagupitin sa mga sinagoga, at dadalhin kayo sa mga gobernador at mga hari nang dahil sa inyong pagsunod sa akin, upang magpatotoo sa kanila. Ngunit dapat munang maipangaral sa lahat ng bansa ang Magandang Balita bago dumating ang wakas. Kapag kayo'y dinakip nila upang litisin, huwag kayong mababahala kung ano ang sasabihin ninyo. Sa oras na iyon, sasabihin ninyo ang dapat ninyong sabihin, sapagkat hindi kayo ang magsasalita; ang inyong mga sasabihin ay manggagaling sa Espiritu Santo. Ipagkakanulo ng kapatid ang kanyang sariling kapatid upang ipapatay, gayundin ang gagawin ng ama sa kanyang anak, at lalabanan naman ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay ang mga ito. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, ngunit ang manatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas.” “Unawain ito ng bumabasa: Kapag nakita na ninyo ang kasuklam-suklam na kalapastanganan na nasa dakong di dapat kalagyan, ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papuntang kabundukan. Ang nasa bubungan ay huwag nang magtangkang pumasok pa sa bahay upang kumuha ng anuman, at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi pa upang kumuha ng balabal. Sa mga araw na iyon, kawawa ang mga nagdadalang-tao at mga nagpapasuso! Ipanalangin ninyong huwag mangyari ang mga ito sa panahon ng taglamig, sapagkat sa mga panahong iyon ang mga tao'y magdaranas ng matinding kapighatian na hindi pa nararanasan mula nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, at hindi na muling mararanasan pa kahit kailan. At kung hindi paiikliin ng Panginoon ang panahong iyon, walang sinuman ang makakaligtas; subalit alang-alang sa kanyang mga hinirang, paiikliin niya iyon. “Kung may magsabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o kaya'y ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala. Sapagkat may mga magpapanggap na Cristo at may mga magpapanggap na propeta. Magpapakita sila ng mga himala at mga kababalaghan upang iligaw, kung maaari, ang mga hinirang ng Diyos. Kaya't mag-ingat kayo. Sinasabi ko na sa inyo ang lahat ng bagay bago pa man ito mangyari.” “Subalit sa mga panahong iyon, pagkatapos ng kapighatiang iyon, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at magúgulo ang mga kapangyarihan sa kalawakan. Pagkatapos, makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nakasakay sa alapaap, may dakilang kapangyarihan at karangalan. Susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na sulok ng daigdig upang tipunin ng mga ito ang mga hinirang ng Diyos.” “Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos; kapag magulang na ang mga sanga nito at nagkakadahon na, alam ninyong malapit na ang tag-araw. Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, malalaman ninyong malapit na ang kanyang pagdating; siya'y paparating na. Tandaan ninyo: magaganap ang lahat ng ito bago pa mamatay ang mga taong nabubuhay ngayon. Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga salita ay mananatili magpakailanman.” “Ngunit walang nakakaalam ng araw o ng oras na iyon, kahit ang mga anghel sa langit, o ang Anak man. Ang Ama lamang ang nakakaalam nito. Mag-ingat kayo at maging handa dahil hindi ninyo alam kung kailan ito mangyayari. Ang katulad nito'y isang taong maglalakbay sa malayo. Iniwan niya ang kanyang tahanan sa pamamahala ng kanyang mga utusan. Binigyan niya ang bawat isa ng kanya-kanyang gawain, at inutusan niya ang tanod na magbantay. Gayundin naman, magbantay kayong lagi dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang panginoon ng sambahayan. Ito'y maaaring sa takipsilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya'y sa umaga. Baka siya'y biglang dumating at maratnan kayong natutulog. Ang sinasabi ko sa inyo'y sinasabi ko sa lahat. Maging handa kayo!” Dalawang araw na lamang at Pista na ng Paskwa at ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Ang mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan ay patuloy na naghahanap ng paraan upang maipadakip si Jesus nang palihim at maipapatay. “Huwag sa kapistahan at baka manggulo ang mga tao,” sabi nila. Nasa Bethania noon si Jesus, sa bahay ni Simon na may ketong. Habang siya'y kumakain, dumating ang isang babaing may dalang isang sisidlang alabastro na puno ng napakamahal na pabango mula sa katas ng purong nardo. Binasag niya ang sisidlan at ibinuhos ang pabango sa ulo ni Jesus. Nagalit ang ilang naroroon at sila'y nag-usap-usap, “Bakit niya inaksaya ang pabango? Maaaring ipagbili iyon nang mahigit sa tatlong daang salaping pilak at maibigay sa mga mahihirap ang pinagbilhan!” At pinagalitan nila ang babae. Ngunit sinabi naman ni Jesus, “Bakit ninyo siya ginugulo? Pabayaan ninyo siya! Isang mabuting bagay ang ginawa niyang ito sa akin. Sapagkat habang panaho'y kasama ninyo ang mga mahihirap at anumang oras ninyong naisin ay makakagawa kayo sa kanila ng mabuti. Ngunit ako'y hindi ninyo kasama habang panahon. Ginawa niya ang kanyang makakaya; hindi pa ma'y binuhusan na niya ng pabango ang aking katawan bilang paghahanda sa paglilibing sa akin. Tandaan ninyo, saanman sa buong mundo ipangaral ang Magandang Balita, ang ginawa niyang ito ay ipahahayag din bilang pag-alaala sa kanya.” Si Judas Iscariote, na kabilang sa Labindalawa, ay pumunta sa mga punong pari upang ipagkanulo si Jesus. Natuwa sila nang marinig nila ang alok ni Judas at nangakong bibigyan siya ng salapi. Mula noo'y humanap na si Judas ng pagkakataong maipagkanulo si Jesus. Unang araw noon ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, araw ng paghahain ng korderong pampaskwa. Tinanong si Jesus ng kanyang mga alagad, “Saan po ninyo nais na maghanda kami ng hapunang pampaskwa?” Inutusan niya ang dalawa sa kanyang mga alagad, “Pumunta kayo sa bayan at may masasalubong kayong isang lalaking may dalang banga ng tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na kanyang papasukan at sabihin ninyo sa may-ari, ‘Ipinapatanong po ng Guro kung mayroon kayong silid na maaaring magamit niya at ng kanyang mga alagad para sa hapunang pampaskwa.’ At ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na mayroon nang kagamitan. Doon kayo maghanda para sa atin.” Nagpunta nga sa bayan ang mga alagad at natagpuan nila roon ang lahat, gaya ng sinabi ni Jesus sa kanila. At inihanda nila ang hapunang pampaskwa. Kinagabihan, dumating si Jesus na kasama ang Labindalawa. Habang sila'y kumakain, sinabi ni Jesus, “Tandaan ninyo ito: isa sa inyo na kasalo ko ngayon ay magtataksil sa akin.” Nag-umpisang malungkot ang mga alagad, at ang bawat isa ay nagtanong sa kanya, “Ako po ba, Panginoon?” Sumagot siya, “Isa sa inyo na kasalo ko sa pagsawsaw ng tinapay sa mangkok. Mamamatay ang Anak ng Tao ayon sa nasusulat tungkol sa kanya subalit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak.” Habang kumakain sila, si Jesus ay dumampot ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos, kanyang pinaghati-hati ang tinapay at iniabot sa mga alagad. Sinabi niya, “Kunin ninyo ito; ito ang aking katawan.” Dumampot din siya ng kopa at matapos magpasalamat sa Diyos ay iniabot din niya iyon sa mga alagad, at uminom silang lahat. Sinabi niya, “Ito ang aking dugo; pinapagtibay nito ang tipan ng Diyos. Ang aking dugo ay mabubuhos para sa marami. Tandaan ninyo: hinding-hindi na ako muling iinom pa ng alak mula sa katas ng ubas hanggang sa araw na ako'y uminom ng bagong alak sa kaharian ng Diyos.” Umawit sila ng isang himno, at pagkatapos ay nagpunta sila sa Bundok ng mga Olibo. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako'y iiwan ninyong lahat, sapagkat sinasabi sa kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol at magkakawatak-watak ang mga tupa.’ Ngunit pagkatapos na ako'y muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” Sumagot si Pedro, “Kahit na po kayo iwan ng lahat, hindi ko kayo iiwan.” Sabi ni Jesus sa kanya, “Tandaan mo, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok nang makalawa, tatlong beses mo akong ikakaila.” Subalit lalong ipinagdiinan ni Pedro, “Kahit ako'y pataying kasama ninyo, hindi ko kayo ikakaila.” Ganoon din ang sinabi ng lahat. Dumating sila sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Maupo muna kayo rito habang ako'y nananalangin.” At isinama niya sina Pedro, Santiago at Juan. Nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban. Sinabi niya sa kanila, “Ang puso ko'y labis na nalulungkot at halos ako'y mamatay na! Maghintay kayo rito at magbantay.” Lumayo siya nang kaunti, at pagkatapos ay nagpatirapa upang manalangin na kung maaari'y huwag nang sumapit sa kanya ang oras ng paghihirap. Nanalangin siya, “Ama ko, Ama ko! Magagawa mo ang lahat ng bagay. Alisin mo sa akin ang paghihirap na ito, ngunit hindi ang kalooban ko kundi ang kalooban mo ang masunod.” Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Natutulog ka ba, Simon? Hindi ka ba makapagbantay kahit isang oras man lamang? Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu'y nakahanda ngunit ang laman ay mahina.” Muling lumayo si Jesus upang manalangin at inulit niya ang kanyang kahilingan. Nagbalik siyang muli sa kanyang mga alagad, at sila'y naratnan niyang natutulog dahil sila'y antok na antok. At hindi nila malaman kung ano ang kanilang isasagot sa kanya. Sa ikatlo niyang pagbabalik ay sinabi niya sa kanila, “Natutulog pa ba kayo at namamahinga? Tama na, sapagkat dumating na ang oras upang ang Anak ng Tao'y ibigay sa kamay ng mga makasalanan. Magsitayo kayo! Narito na ang magtataksil sa akin.” Nagsasalita pa si Jesus nang dumating si Judas na kabilang sa Labindalawa. May kasama siyang maraming tao na may mga dalang tabak at pamalo. Sila'y isinugo ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at mga pinuno ng bayan. Bago pa man dumating, ibinigay ni Judas ang isang hudyat, “Kung sino ang hahalikan ko, iyon ang inyong hinahanap. Dakpin ninyo siya at huwag pabayaang makatakas.” Pagdating ni Judas, agad siyang lumapit kay Jesus. “Guro!” ang bati niya, at ito'y kanyang hinalikan. Agad ngang sinunggaban at dinakip ng mga tao si Jesus. Nagbunot ng tabak ang isa sa mga alagad at tinaga ang alipin ng pinakapunong pari, at natagpas ang tainga niyon. Sinabi ni Jesus sa mga tao, “Ako ba'y tulisan at naparito kayong may dalang tabak at pamalo upang ako'y dakpin? Araw-araw akong nagtuturo sa Templo at naroon din kayo, ngunit hindi ninyo ako dinakip. Subalit kailangang matupad ang sinasabi ng Kasulatan!” Tumakas ang lahat ng mga alagad at iniwan siya. Sinundan si Jesus ng isang binatang walang damit maliban sa balabal niyang lino. Sinunggaban ito ng mga tao ngunit iniwan niya ang kanyang balabal at tumakas na hubad. Dinala nila si Jesus sa bahay ng pinakapunong pari na kung saan ay nagkakatipon na doon ang lahat ng mga punong pari, mga pinuno ng bayan at mga tagapagturo ng Kautusan. Si Pedro'y sumunod kay Jesus, ngunit malayo ang agwat niya kay Jesus. Nagtuloy siya hanggang sa patyo ng pinakapunong pari at naupo upang magpainit sa tabi ng apoy. Katabi niya roon ang mga bantay. Ang mga punong pari at ang buong Sanedrin ay naghahanap ng maipaparatang kay Jesus upang siya'y maipapatay, ngunit wala silang makita. Marami ngang saksi ang nagsasabi ng kasinungalingan laban sa kanya, ngunit hindi naman nagkakaisa ang kanilang mga patotoo. May ilang sumaksi ng kasinungalingan laban sa kanya, “Narinig naming sinabi ng taong iyan, ‘Gigibain ko ang Templong ito na gawa ng tao at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng iba na di gawa ng tao.’” Ngunit hindi pa rin nagkaisa ang kanilang mga patotoo. Tumayo ang pinakapunong pari sa harap ng kapulungan at tinanong si Jesus, “Wala ka bang isasagot sa paratang nila sa iyo?” Ngunit hindi umimik si Jesus at hindi sumagot ng anuman. Muli siyang tinanong ng pinakapunong pari, “Ikaw nga ba ang Cristo, ang Anak ng Mapagpalang Diyos?” Sumagot si Jesus, “Ako nga. Makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan sa lahat. Makikita rin ninyo siyang dumarating na nasa alapaap ng kalangitan.” Pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang kasuotan at sinabi, “Hindi na natin kailangan pa ng mga saksi! Narinig ninyo ang kanyang paglapastangan sa Diyos! Ano ang inyong desisyon?” At nagkaisa silang lahat na hatulan siya ng kamatayan. At siya'y sinimulan nilang pahirapan; dinuraan siya ng ilan, piniringan at pinagsusuntok. “Hulaan mo nga, sino ang sumuntok sa iyo?” sabi nila. At siya'y binugbog ng mga bantay. Samantala, si Pedro naman ay nasa patyo sa ibaba nang lumapit ang isang babaing katulong ng pinakapunong pari. Nakita nito si Pedro na nagpapainit sa apoy, pinagmasdang mabuti at pagkatapos ay sinabi, “Kasama ka rin ni Jesus na taga-Nazaret!” Ngunit nagkaila si Pedro, “Wala akong nalalaman sa sinasabi mo.” Umalis siya at nagpunta sa labasan at tumilaok ang manok. Nakita na naman siya ng babaing katulong at sinabi sa mga naroon, “Ang taong ito'y isa sa kanila!” At muling nagkaila si Pedro. Makalipas ang ilang sandali, sinabi kay Pedro ng mga nakatayo roon, “Talagang isa ka nga sa kanila. Taga-Galilea ka rin, hindi ba?” “Mamatay man ako, talagang hindi ko nakikilala ang taong iyan!” sagot ni Pedro. Siya namang pagtilaok muli ng manok. Naalala ni Pedro ang sinabi sa kanya ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok nang makalawa, tatlong beses mo akong ikakaila.” Nanlumo siya at nanangis. Kinaumagahan, nagpulong agad ang mga punong pari, mga pinuno ng bayan, mga tagapagturo ng Kautusan, at iba pang bumubuo ng Sanedrin. Ipinagapos nila si Jesus, at dinala kay Pilato. “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” tanong sa kanya ni Pilato. “Ikaw na ang may sabi,” tugon naman ni Jesus. Nagharap ng maraming paratang ang mga punong pari laban kay Jesus kaya't siya'y muling tinanong ni Pilato, “Wala ka bang isasagot? Narinig mo ang dami ng kanilang paratang laban sa iyo.” Ngunit hindi pa rin sumagot si Jesus, kaya't nagtaka si Pilato. Tuwing Pista ng Paskwa, si Pilato ay nagpapalaya ng isang bilanggo, sinumang hilingin sa kanya ng mga taong-bayan. May isang bilanggo noon na ang pangalan ay Barabbas. Kasama siya sa mga nagrebelde, at nakapatay siya noong panahon ng pag-aalsa. Nang lumapit ang mga tao kay Pilato upang hilingin sa kanya na gawin niya ang dati niyang ginagawa, tinanong sila ni Pilato, “Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” Sinabi niya ito sapagkat batid ni Pilato na inggit lamang ang nag-udyok sa mga punong pari upang isakdal si Jesus. Ngunit sinulsulan ng mga punong pari ang mga tao na si Barabbas ang hilinging palayain. Kaya't muli silang tinanong ni Pilato, “Ano naman ang gusto ninyong gawin ko sa taong ito na tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?” “Ipako siya sa krus!” sigaw ng mga tao. “Bakit, ano ba ang kasalanan niya?” tanong ni Pilato. Ngunit lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” Sa paghahangad ni Pilato na mapagbigyan ang mga tao, pinalaya niya si Barabbas at si Jesus naman ay kanyang ipinahagupit, at pagkatapos ay ibinigay sa kanila upang ipako sa krus. Dinala ng mga kawal si Jesus sa bakuran ng palasyo ng gobernador, at kanilang tinipon doon ang buong batalyon. Sinuotan nila si Jesus ng balabal na kulay ube. Kumuha sila ng sangang matinik, ginawa iyong korona at ipinutong sa kanya. Pagkatapos, sila'y pakutyang nagpugay at bumati sa kanya, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” Siya'y pinaghahampas sa ulo, pinagduduraan at pakutyang niluhud-luhuran. Matapos kutyain, siya'y hinubaran nila ng balabal na kulay ube, sinuotan ng sarili niyang damit, at inilabas upang ipako sa krus. Nasalubong nila sa daan ang isang lalaking galing sa bukid, si Simon na taga-Cirene na ama nina Alejandro at Rufo. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. Kanilang dinala si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang ibig sabihi'y “Pook ng Bungo.” Siya'y binibigyan nila ng alak na may kahalong mira, ngunit hindi niya ito ininom. Ipinako siya sa krus at saka pinaghati-hatian ang kanyang damit sa pamamagitan ng palabunutan. Ikasiyam ng umaga nang ipako siya sa krus. Isinulat sa itaas ng krus ang paratang laban sa kanya, “Ang Hari ng mga Judio.” Ininsulto siya ng mga nagdaraan, pailing-iling nilang sinasabi, “O ano? Di ba ikaw ang gigiba sa Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Bumabâ ka sa krus at iligtas mo ngayon ang iyong sarili!” Kinukutya rin siya ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila sa isa't isa, “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi mailigtas ang sarili! Makita lamang nating bumabâ sa krus ang Cristo na iyan na Hari daw ng Israel, maniniwala na tayo sa kanya!” Nilait din siya ng mga nakapakong kasama niya. Nagdilim sa buong lupain mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon. Nang ikatlo na ng hapon, sumigaw si Jesus, “ Eloi, Eloi, lema sabachthani? ” na ang kahulugan ay, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon at kanilang sinabi, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias!” May tumakbo upang kumuha ng isang espongha; ito'y binasa ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at ipinasipsip kay Jesus. “Tingnan nga natin kung darating si Elias upang iligtas siya,” sabi niya. Sumigaw nang malakas si Jesus at pagkatapos ay nalagutan ng hininga. At napunit sa gitna ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nakatayo sa harap ng krus ang opisyal ng mga kawal. Nang makita kung paano namatay si Jesus, sinabi niya, “Tunay ngang Anak ng Diyos ang taong ito!” Naroon din ang ilang babaing nakatanaw mula sa malayo. Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Salome, at si Maria na ina ng nakababatang si Santiago at ni Jose. Mula pa sa Galilea ay sumusunod na sila at naglilingkod kay Jesus. Naroon din ang iba pang mga babaing kasama ni Jesus na pumunta sa Jerusalem. Nagtaka si Pilato nang marinig niyang patay na si Jesus kaya't ipinatawag niya ang opisyal at tinanong kung ito'y totoo. Nang malaman niya sa kapitan na talagang patay na si Jesus, pumayag siyang kunin ni Jose ang bangkay. Ibinabâ mula sa krus ang bangkay ni Jesus at binalot sa telang lino na binili ni Jose. Pagkatapos, ang bangkay ay inilagay sa isang libingang hinukay sa bato, at iginulong ni Jose ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan. Nagmamasid naman sina Maria Magdalena at Maria na ina ni Jose, at nakita nila kung saan inilibing si Jesus. Pagkaraan ng Araw ng Pamamahinga, si Maria Magdalena, si Maria na ina ni Santiago at si Salome ay bumili ng pabango upang sila ay magpunta sa libingan at lagyan ng pabango ang bangkay ni Jesus. Kinaumagahan ng Linggo, sa pagsikat ng araw, sila'y nagpunta sa libingan. Ngunit sila ay nagtatanungan sa isa't isa, “Sino kaya ang maaari nating mapakiusapang maggulong ng batong nakatakip sa pintuan ng libingan?” Nasabi nila iyon dahil napakalaki ng bato. Ngunit nang matanaw nila ito, nakita nilang naigulong na ang bato. At pagpasok nila sa libingan, may nakita silang isang binatang nakasuot ng mahaba at maputing damit, at nakaupo sa gawing kanan. Kaya't sila'y nagtaka. Ngunit sinabi nito sa kanila, “Huwag kayong matakot. Hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazaret na ipinako sa krus. Wala na siya rito; siya'y muling binuhay ng Diyos! Tingnan ninyo ang pinaglagyan sa kanya. Bumalik kayo at sabihin ninyo sa kanyang mga alagad at kay Pedro, ‘Mauuna siya sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon, gaya ng sinabi niya sa inyo.’” Lumabas sila ng libingan at patakbong umalis na nanginginig at litung-lito. At dahil sa matinding takot, wala silang sinabi kaninuman. [ Maagang-maaga ng unang araw ng linggo, matapos na siya'y muling mabuhay, si Jesus ay unang nagpakita kay Maria Magdalena. Pitong demonyo ang pinalayas ni Jesus mula sa babaing ito. Nagpunta si Maria Magdalena sa mga tagasunod ni Jesus upang ibalita sa mga ito ang kanyang nakita. Sila noon ay kasalukuyang nagluluksa at nalulungkot. Ngunit ayaw nilang maniwala nang sabihin ni Maria na si Jesus ay buháy at nagpakita sa kanya. Pagkatapos, nagpakita rin si Jesus sa dalawang alagad na naglalakad papuntang bukid, subalit iba ang kanyang anyo noon. Bumalik agad sila at ibinalita sa kanilang mga kasamahan ang nangyari, ngunit ayaw din silang paniwalaan ng mga ito. Pagkatapos, nagpakita si Jesus sa labing-isang alagad habang kumakain ang mga ito. Sila ay pinagalitan niya dahil sa hindi nila pananalig sa kanya at dahil sa katigasan ng kanilang ulo, dahil ayaw nilang maniwala sa mga nakakita sa kanya pagkatapos na siya'y muling mabuhay. At sinabi ni Jesus sa kanila, “Habang kayo'y humahayo sa buong mundo, ay ipangaral ninyo sa lahat ng tao ang Magandang Balita. Ang sinumang sumampalataya at mabautismuhan ay maliligtas, ngunit ang ayaw sumampalataya ay paparusahan. Ang mga sumasampalataya ay bibigyan ng kapangyarihang gumawa ng mga himala: sa pangalan ko'y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita ng iba't ibang wika. Hindi sila maaano kahit dumampot sila ng ahas o uminom ng lason; at gagaling ang mga maysakit na papatungan nila ng kamay.” Pagkatapos niyang magsalita sa kanila, ang Panginoong Jesus ay iniakyat sa langit at umupo sa kanan ng Diyos. Sumunod nga at nangaral ang mga alagad sa lahat ng dako. Tinulungan sila ng Panginoon sa gawaing ito. Pinatunayan niyang totoo ang kanilang ipinapangaral sa pamamagitan ng mga himala na ipinagkaloob niya sa kanila.] Kagalang-galang na Teofilo, marami na po ang nagsikap na sumulat tungkol sa mga bagay na naganap sa kalagitnaan namin. Ang kanilang isinulat ay ayon sa itinuro sa amin ng mga tao na buhat pa sa pasimula ay nakasaksi nito at nangaral ng Magandang Balita. Kaya't matapos kong suriin nang buong ingat ang lahat ng pangyayari buhat pa sa pasimula, minabuti ko pong sumulat din ng isang maayos na salaysay para sa inyo upang lubusan ninyong matiyak ang katotohanan ng mga itinuro sa inyo. Noong panahong si Herodes ang hari ng Judea, may isang paring Judio buhat sa grupo ni Abias na ang pangala'y Zacarias. Ang kanyang asawang si Elisabet ay mula rin sa angkan ni Aaron. Kapwa sila kalugud-lugod sa paningin ng Diyos at namumuhay nang tapat sa mga utos at tuntunin ng Panginoon. Wala silang anak dahil baog si Elisabet at kapwa sila matanda na. Isang araw, nanunungkulan ang pangkat ni Zacarias at ginagampanan niya ang kanyang tungkulin sa harapan ng Diyos bilang isang pari. Nang sila'y magpalabunutan, ayon sa kaugalian ng mga paring Judio, siya ang napiling magsunog ng insenso. Pumasok siya sa Templo ng Panginoon sa oras ng pagsusunog ng insenso, habang nagkakatipon naman sa labas ang mga tao at nananalangin. Doon ay nagpakita sa kanya ang isang anghel ng Panginoon. Nakatayo ito sa gawing kanan ng altar na sunugan ng insenso. Nasindak si Zacarias at natakot nang makita niya ito. Ngunit sinabi ng anghel sa kanya, “Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Diyos ang iyong panalangin. Ang iyong asawang si Elisabet ay magkakaanak ng isang lalaki, at Juan ang ipapangalan mo sa bata. Ikaw ay matutuwa at magiging maligaya. Marami ang magagalak sa kanyang pagsilang sapagkat siya'y magiging dakila sa paningin ng Panginoon. Hindi siya dapat uminom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Sa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina ay mapupuspos na siya ng Espiritu Santo. Sa pamamagitan niya'y maraming Israelita ang magbabalik-loob sa kanilang Panginoong Diyos. Mauuna siya sa Panginoon na taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias upang pagkasunduin ang mga ama at ang kanilang mga anak, at panumbalikin sa daang matuwid ang mga suwail. Sa gayon, ipaghahanda niya ng isang bayan ang Panginoon.” Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano ko pong matitiyak na mangyayari iyan? Ako'y matanda na at gayundin ang aking asawa.” Sumagot ang anghel, “Ako'y si Gabriel na naglilingkod sa Diyos. Isinugo niya ako upang dalhin sa iyo ang magandang balitang ito. Ngunit dahil sa hindi ka naniwala sa mga sinasabi kong matutupad pagdating ng takdang panahon, ikaw ay magiging pipi. Hindi ka makakapagsalita hanggang sa araw na maganap ang mga ito.” Samantala, naghihintay naman kay Zacarias ang mga tao. Nagtataka sila kung bakit nagtagal siya nang ganoon sa loob ng Templo. Paglabas niya, hindi na siya makapagsalita, kaya't mga senyas na lamang ang ginagamit niya. Napag-isip-isip ng mga tao na baka nakakita siya ng pangitain sa loob ng Templo. Si Zacarias ay nanatiling pipi. Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod ay umuwi na siya. Hindi nga nagtagal at naglihi si Elisabet. Hindi ito lumabas ng bahay sa loob ng limang buwan. Sinabi ni Elisabet, “Ngayo'y kinahabagan ako ng Panginoon. Ginawa niya ito upang alisin ang sanhi ng aking kahihiyan sa harap ng mga tao!” Nang ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elisabet, ang anghel na si Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazaret na isang lunsod sa Galilea, upang kausapin ang isang dalaga na ang pangala'y Maria. Siya ay nakatakda nang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa angkan ni Haring David. Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, “Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!” Naguluhan si Maria at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pangungusap. Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya'y papangalanan mong Jesus. Siya'y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay pangwalang hanggan.” “Paano pong mangyayari ito gayong ako'y isang birhen?” tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, “Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo'y banal at tatawaging Anak ng Diyos. Hindi ba't alam ng lahat na ang kamag-anak mong si Elisabet ay baog? Gayunma'y naglihi siya at ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalang-tao kahit na siya'y matanda na, sapagkat walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos.” Sumagot si Maria, “Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” Pagkatapos, umalis na ang anghel. Nang marinig ni Elisabet ang pagbati ni Maria, biglang gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at siya ay napuspos ng Espiritu Santo. Napasigaw siya sa galak, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? Sapagkat pagkarinig ko ng iyong pagbati ay gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Mapalad ka, sapagkat sumampalataya kang matutupad ang sinabi sa iyo ng Panginoon!” At sinabi ni Maria, “Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon, at ang aking espiritu'y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas, sapagkat nilingap niya akong kanyang abang alipin! Mula ngayon, ang lahat ng tao'y tatawagin akong mapalad; dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan. Siya'y banal! Ang kanyang kahabagan ay para sa mga tao at sa lahat ng salinlahing may takot sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig, nilito niya ang mga may palalong isip. Tinanggal sa kanilang luklukan ang mga may kapangyarihan, at itinaas ang mga nasa abang kalagayan. Pinasagana niya sa mabubuting bagay ang mga kapus-palad, at pinaalis nang walang dalang anuman ang mga mayayaman. Tinulungan niya ang kanyang bayang Israel, at naalala ito upang kanyang kahabagan. Tinupad niya ang kanyang pangako sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang lahi, magpakailanman!” Tumira si Maria kina Elisabet nang may tatlong buwan bago siya umuwi. Dumating ang oras ng panganganak ni Elisabet at nagsilang siya ng isang sanggol na lalaki. Tuwang-tuwa ang kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak nang mabalitaan nilang siya'y pinagpala ng Panginoon. Makalipas ang isang linggo, dumalo sila sa pagtutuli ng sanggol. Zacarias sana ang itatawag nila sa bata, gaya ng pangalan ng kanyang ama, ngunit sinabi ni Elisabet, “Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya.” “Subalit wala naman kayong kamag-anak na may ganyang pangalan,” tugon nila. Sinenyasan nila ang kanyang ama upang itanong kung ano ang ibig nitong itawag sa sanggol. Humingi si Zacarias ng masusulatan at ganito ang kanyang isinulat, “Juan ang pangalan niya.” Namangha ang lahat. Noon din ay nakapagsalita si Zacarias, at nagsimulang magpuri sa Diyos. Natakot ang lahat ng tagaroon, at naging usap-usapan sa buong bulubundukin ng Judea ang mga bagay na iyon. Pinag-isipan ito ng mga nakabalita, anupa't naging tanong nilang lahat, “Magiging ano kaya ang batang ito?” Sapagkat maliwanag na nasa kanya ang Panginoon. Si Zacarias na ama ng bata ay napuspos ng Espiritu Santo, at nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos: “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel! Tinulungan niya at pinalaya ang kanyang bayan. Nagsugo siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas, mula sa angkan ni David na kanyang lingkod. Ito'y ayon sa ipinangako niya noong una sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta, na ililigtas niya tayo mula sa ating mga kaaway, mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin. Ipinangako niyang kahahabagan ang ating mga ninuno, at aalalahanin ang kanyang banal na tipan. Ipinangako niya sa ating ninunong si Abraham, na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway, upang tayo'y makapaglingkod sa kanya nang walang takot, at maging banal at matuwid sa kanyang paningin habang tayo'y nabubuhay. Ikaw, anak ko, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Diyos; sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang daraanan, at upang ipaalam sa kanyang bayan ang kanilang kaligtasan, ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. Mapagmahal at mahabagin ang ating Diyos. Magbubukang-liwayway na sa atin ang araw ng kaligtasan. Tatanglawan niya ang mga nasa kadiliman at nasa lilim ng kamatayan, at papatnubayan tayo sa daan ng kapayapaan.” Lumaki ang bata at naging malakas ang kanyang espiritu. Siya'y nanirahan sa ilang, hanggang sa araw na magpakilala siya sa bansang Israel. Nang panahong iyon, iniutos ni Emperador Augusto na magkaroon ng sensus sa lahat ng nasasakupan ng Imperyo ng Roma. Ang unang sensus na ito ay ginawa nang si Cirenio ang gobernador ng Siria. Kaya't umuwi ang bawat isa sa sari-sariling bayan upang magpatala. Mula sa Nazaret, isang lunsod sa Galilea, si Jose ay pumunta sa Judea, sa Bethlehem na bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya'y mula sa angkan ni David. Kasama niyang umuwi upang magpatala rin si Maria na kanyang magiging asawa, na noon ay kabuwanan na. Habang sila'y nasa Bethlehem, sumapit ang oras ng panganganak ni Maria. Isinilang niya ang kanyang panganay, na isang lalaki. Binalot niya sa lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan. Doon ay may mga pastol na nasa parang at nagbabantay ng kanilang mga tupa nang gabing iyon. Lumapit at tumayo sa kalagitnaan nila ang isang anghel ng Panginoon at nagliwanag sa kapaligiran nila ang nakakasilaw na kaluwalhatian ng Panginoon. Ganoon na lamang ang kanilang pagkatakot. Ngunit sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot! Ako'y may dalang magandang balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. Isinilang ngayon sa bayan ni David ang inyong Tagapagligtas, ang Cristong Panginoon. Ito ang inyong palatandaan: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.” Bigla nilang nakitang kasama ng anghel ang isang malaking hukbo ng mga anghel sa kalangitan. Sila'y nagpupuri sa Diyos at umaawit, “Papuri sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa ay kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!” Nang makaalis na ang mga anghel pabalik sa langit, ang mga pastol ay nag-usap-usap, “Tayo na sa Bethlehem! Tingnan natin ang pangyayaring ito na ibinalita sa atin ng Panginoon.” Nagmamadali silang pumaroon at natagpuan nila sina Maria at Jose, at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. Isinalaysay ng mga pastol ang sinabi ng anghel tungkol sa sanggol. Namangha ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. Tinandaan ni Maria ang mga bagay na ito, at ito'y kanyang pinagbulay-bulayan. Umalis ang mga pastol na nagpupuri sa Diyos at nagpapahayag ng kanyang kadakilaan dahil sa lahat ng narinig nila at nakita, ayon sa sinabi sa kanila ng anghel. Pagsapit ng ikawalong araw, tinuli ang bata at pinangalanang Jesus. Ito ang pangalang sinabi ng anghel bago pa siya ipaglihi. Nang sumapit ang araw ng kanilang pagtupad sa seremonya ng paglilinis ayon sa Kautusan ni Moises, pumunta sila sa Jerusalem. Dinala rin nila ang sanggol upang ihandog sa Panginoon, sapagkat ganito ang nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, “Bawat panganay na lalaki ay itatalaga sa Panginoon.” Nag-alay din sila ng handog na ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon, maaaring mag-asawang batu-bato, o kaya'y dalawang inakay na kalapati. May isang tao noon sa Jerusalem na ang pangala'y Simeon, isang lalaking matuwid, may takot sa Diyos at naghihintay sa katubusan ng Israel. Nasa kanya ang Espiritu Santo. Ipinahayag ng Espiritu Santo sa kanya na hindi siya mamamatay hangga't hindi niya nakikita ang Cristo na ipinangako ng Panginoon. Sa patnubay ng Espiritu, si Simeon ay pumasok sa Templo. At nang dalhin doon nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus upang tuparin ang ayon sa hinihingi ng Kautusan, kinarga ni Simeon ang sanggol. Pagkatapos, nagpuri siya sa Diyos, “Ngayon, Panginoon, maaari na pong yumaong mapayapa ang inyong abang alipin ayon sa inyong pangako. Yamang nakita na po ng aking mga mata ang inyong pagliligtas, na inyong inihanda sa harapan ng lahat ng bansa. Ito po ay liwanag na tatanglaw sa mga Hentil at magbibigay-dangal sa inyong bansang Israel.” Namangha ang mga magulang ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa bata. Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito'y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel. Siya ang magiging tanda mula sa Diyos ngunit tutuligsain siya ng marami, kaya't mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil dito, magdaranas ka ng matinding kapighatiang parang isang patalim na itinarak sa iyong puso.” Naroon din sa Templo ang isang propetang babae na ang pangalan ay Ana, anak ni Fanuel at mula sa angkan ni Aser. Siya'y napakatanda na. Pitong taon pa lamang silang nagsasama ng kanyang asawa, at ngayo'y walumpu't apat na taon na siyang biyuda. Lagi siya sa Templo, at araw-gabi'y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin. Nang oras na iyon, lumapit din siya kina Jose at Maria, at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol sa sanggol sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem. Nang maisagawa na nila ang lahat ng ayon sa hinihingi ng kautusan ng Panginoon, umuwi na sila sa bayan ng Nazaret sa Galilea. Ang bata'y lumaking malusog, matalino, at kalugud-lugod sa Diyos. Taun-taon, tuwing Pista ng Paskwa, ang mga magulang ni Jesus ay pumupunta sa Jerusalem. Nang siya'y labindalawang taon na, dumalo sila sa pista, ayon sa kanilang kaugalian. Sila'y umuwi na pagkatapos ng pista. Si Jesus ay nagpaiwan sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. Maghapon na silang nakapaglakbay na inaakalang kasama nila ang bata ngunit napansin nilang wala pala siya. Siya ay hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at mga kakilala, ngunit hindi nila natagpuan si Jesus. Kaya't bumalik sila sa Jerusalem upang doon maghanap. Pagkalipas ng tatlong araw, si Jesus ay natagpuan nila sa loob ng Templo. Siya'y nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya at nagtatanong sa kanila, at ang lahat ng nakakarinig sa kanya ay hangang-hanga sa kanyang katalinuhan. Namangha rin ang kanyang mga magulang nang siya'y makita. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit mo naman ginawa ito sa amin? Lubha ang aming pag-aalala ng iyong ama sa paghahanap sa iyo.” Sumagot si Jesus, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi po ba ninyo alam na ako'y dapat mamalagi sa bahay ng aking Ama?” Ngunit hindi nila naunawaan ang pananalitang ito. Siya'y sumama sa kanila pauwi sa Nazaret, at siya'y naging masunurin sa kanila. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. Patuloy na lumaki si Jesus; lumawak ang kanyang karunungan at lalong naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao. Ikalabinlimang taon noon ng paghahari ni Emperador Tiberio. Si Poncio Pilato ang gobernador sa Judea at si Herodes ang pinuno sa Galilea. Ang kapatid nitong si Felipe ang pinuno sa lupain ng Iturea at Traconite at si Lisanias ang pinuno sa Abilinia. Nang sina Anas at Caifas ang mga pinakapunong pari ng mga Judio, si Juan na anak ni Zacarias ay nakatira sa ilang. Ipinahayag ng Diyos ang kanyang salita kay Juan, kaya't nilibot niya ang mga lupain sa magkabilang panig ng Jordan. Siya'y nangaral, “Pagsisihan at talikuran ninyo ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo upang kayo'y patawarin ng Diyos.” Sa gayon, natupad ang nakasulat sa aklat ni Propeta Isaias, “Ito ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang: ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon. Gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran! Matatambakan ang bawat libis, at mapapatag ang bawat burol at bundok. Matutuwid ang daang liku-liko, at mapapatag ang daang baku-bako. At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas na gagawin ng Diyos!’” Marami ngang tao ang nagsilapit kay Juan upang magpabautismo. Ngunit sinabi niya sa kanila, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo upang tumakas sa kaparusahang darating? Ipakita ninyo sa pamamagitan ng gawa na nagsisisi na kayo, at huwag ninyong idahilan na mga anak kayo ni Abraham. Sinasabi ko sa inyo, mula sa mga batong ito ay makakalikha ang Diyos ng mga tunay na anak ni Abraham. Ngayon pa ma'y nakahanda na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy; ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.” Tinanong siya ng mga tao, “Kung gayon, ano po ang dapat naming gawin?” Sumagot siya sa kanila, “Kung mayroon kang dalawang balabal, ibigay mo ang isa sa wala. Ganyan din ang gawin ng may pagkain.” Dumating din ang mga maniningil ng buwis upang magpabautismo. Sila'y nagtanong sa kanya, “Guro, ano po ang dapat naming gawin?” “Huwag kayong sumingil nang higit sa dapat singilin,” tugon niya. Tinanong din siya ng mga kawal, “At kami po naman, ano ang dapat naming gawin?” “Huwag kayong manghihingi kaninuman sa pamamagitan ng pamimilit o ng pagpaparatang ng di makatuwiran; masiyahan na kayo sa inyong sweldo,” sagot niya. Nananabik noon ang mga tao sa pagdating ng Cristo, at inakala nilang si Juan mismo ang kanilang hinihintay. Dahil dito sinabi niya sa kanila, “Binabautismuhan ko kayo sa pamamagitan ng tubig, ngunit ang darating na kasunod ko ang magbabautismo sa inyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ng apoy. Siya'y higit na makapangyarihan kaysa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas. Hawak na niya ang kalaykay upang linisin ang giikan at upang tipunin ang trigo sa kanyang kamalig. Ngunit ang ipa'y susunugin niya sa apoy na di mamamatay kailanman.” Marami pang bagay na ipinapangaral si Juan sa mga tao sa kanyang pamamahayag ng Magandang Balita. Si Herodes man na pinuno ng Galilea ay pinagsabihan din ni Juan dahil kinakasama niya ang kanyang hipag na si Herodias at dahil sa iba pang kasamaang ginagawa nito. Dahil dito'y ipinabilanggo ni Herodes si Juan, at ito'y nadagdag pa sa mga kasalanan ni Herodes. Nang mabautismuhan na ni Juan ang mga tao, binautismuhan din niya si Jesus. Habang nananalangin si Jesus, nabuksan ang langit at bumabâ sa kanya ang Espiritu Santo sa anyong kalapati. Isang tinig mula sa langit ang narinig nila, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.” Mula sa Jordan, bumalik si Jesus na puspos ng Espiritu Santo. Dinala siya ng Espiritu sa ilang sa loob ng apatnapung araw, at doon siya'y tinukso ng diyablo. Hindi siya kumain ng anuman sa buong panahong iyon, kaya't siya'y nagutom. Sinabi sa kanya ng diyablo, “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, iutos mong maging tinapay ang batong ito.” Ngunit sinagot ito ni Jesus, “Nasusulat, ‘Ang tao'y hindi lamang sa tinapay nabubuhay.’ Dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na lugar, at sa ilang saglit ay ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa buong daigdig. Sinabi ng diyablo, “Ibibigay ko sa iyo ang pamamahala sa lahat ng kahariang ito at ang kadakilaan nito. Ipinagkaloob ito sa akin, at maibibigay ko sa kaninumang naisin ko. Kaya't kung ako'y sasambahin mo, magiging sa iyo na ang lahat ng ito.” Sumagot si Jesus, “Nasusulat, ‘Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin, at siya lamang ang dapat mong paglingkuran.’” Dinala siya ng diyablo sa taluktok ng Templo sa Jerusalem at sinabi sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka dahil nasusulat, ‘Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin, sila'y uutusan upang ikaw ay ingatan,’ at ‘Sa kanilang mga kamay, ika'y aalalayan, nang sa mga bato, paa mo'y hindi masasaktan.’” Subalit sinagot siya ni Jesus, “Nasusulat, ‘Huwag mong susubukin ang Panginoon mong Diyos!’” Pagkatapos tuksuhin si Jesus sa lahat ng paraan, umalis na ang diyablo at naghintay ng ibang pagkakataon. Bumalik sa Galilea si Jesus na sumasakanya ang kapangyarihan ng Espiritu. Napabalita sa mga karatig-bayan ang tungkol sa kanya. Nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga at hinahangaan naman siya ng lahat. Umuwi si Jesus sa Nazaret, ang bayan na kung saan siya lumaki. Gaya ng kanyang nakaugalian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumayo siya upang bumasa, at doo'y ibinigay sa kanya ang kasulatan ni Propeta Isaias. Binuksan niya ito sa dakong kinasusulatan ng ganito: “Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin, sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila'y lalaya, at sa mga bulag na sila'y makakakita. Isinugo ako upang palayain ang mga inaapi, at upang ipahayag na darating na ang panahon ng pagliligtas ng Panginoon.” Inirolyo niya ang kasulatan, at matapos isauli sa tagapag-ingat, siya'y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga, at sinabi niya sa kanila, “Ang kasulatang ito na inyong narinig ay natupad ngayon.” Pinuri siya ng lahat, at humanga sila sa kanyang napakahusay na pananalita. “Hindi ba ito ang anak ni Jose?” tanong nila. Kaya't sinabi ni Jesus, “Tiyak na sasabihin ninyo sa akin ang kasabihang ito, ‘Doktor, gamutin mo muna ang iyong sarili!’ Marahil, sasabihin pa ninyo, ‘Gawin mo rin dito sa iyong sariling bayan ang mga nabalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.’ Tandaan ninyo, walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan. Ngunit sinasabi ko sa inyo, maraming biyuda sa Israel noong panahon ni Elias nang hindi umulan sa loob ng tatlo't kalahating taon at nagkaroon ng taggutom sa buong lupain. Subalit hindi pinapunta si Elias sa kaninuman sa kanila, kundi sa isang biyuda sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. Sa dinami-dami ng mga may ketong sa Israel noong panahon ni Eliseo, wala ni isa mang pinagaling at nilinis maliban kay Naaman, na isang taga-Siria.” Nagalit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito. Nagsitayo sila at itinaboy siyang palabas papunta sa gilid ng bundok na kinakatayuan ng bayan upang ihulog siya sa bangin. Ngunit dumaan siya sa kalagitnaan nila at umalis. Mula roon, si Jesus ay nagpunta sa Capernaum sa Galilea at nagturo sa mga tao nang Araw ng Pamamahinga. Namangha sila sa kanyang pagtuturo sapagkat may kapangyarihan ang kanyang pananalita. May isang lalaki noon sa sinagoga na sinasapian ng masamang espiritu. Sumigaw ito nang malakas, “Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita. Ikaw ang Banal na mula sa Diyos.” Subalit inutusan siya ni Jesus, “Tumahimik ka, lumayas ka sa taong iyan!” At nang mailugmok ang lalaki sa kanilang kalagitnaan, umalis ang demonyo ng hindi siya sinasaktan. Namangha ang lahat ng nakasaksi kaya't nasabi nila sa isa't isa, “Ano ito? Lubhang makapangyarihan ang kanyang salita! Nauutusan niyang lumayas ang masasamang espiritu, at sumusunod naman sila!” At kumalat ang balita tungkol kay Jesus sa buong lupaing iyon. Si Jesus ay umalis sa sinagoga at nagpunta sa bahay ni Simon. Nagkataong ang biyenan ni Simon ay may mataas na lagnat kaya't nakiusap sila kay Jesus na ito'y pagalingin. Tumayo si Jesus sa tabi ng higaan ng babae at iniutos na mawala ang lagnat, at ito'y nawala nga. Kaagad namang tumayo ang babae at naglingkod sa kanila. Pagkalubog ng araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng maysakit, anuman ang karamdaman ng mga ito. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa bawat isa, at silang lahat ay gumaling. Pinalayas din niya ang mga demonyo sa mga taong sinasapian ng mga ito. Lumabas silang sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit sinaway sila ni Jesus at hindi pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila na siya ang Cristo. Nang mag-uumaga na, umalis si Jesus at nagpunta sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng mga tao, at nang matagpuan ay pinakiusapang huwag muna siyang umalis. Subalit sinabi niya, “Dapat ko ring ipangaral sa ibang mga bayan ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos, sapagkat iyon ang dahilan kaya ako isinugo.” At nagpatuloy siya ng pangangaral sa mga sinagoga sa buong Judea. Minsan, habang nakatayo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Genesaret, nag-uunahan ang napakaraming tao sa paglapit sa kanya upang makinig ng salita ng Diyos. May nakita siyang dalawang bangka sa tabi ng lawa; wala sa mga bangka ang mga mangingisda kundi nasa lawa at naglilinis ng kanilang mga lambat. Sumakay siya sa isa sa mga bangka at hiniling kay Simon, na may-ari ng bangka, na ilayo ito nang kaunti. Naupo siya sa bangka at nangaral sa mga tao. Pagkatapos niyang mangaral, sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.” Sumagot si Simon, “Guro, magdamag po kaming nagpagod ngunit wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.” Ganoon nga ang ginawa nila, at nakahuli sila ng maraming isda, kaya't halos mapunit ang kanilang mga lambat. Kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka upang magpatulong. Lumapit naman ang mga ito at napuno nila ang dalawang bangka, anupa't halos lumubog ang mga ito. Nang makita iyon ni Simon Pedro, siya'y lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi, “Layuan po ninyo ako, Panginoon, sapagkat ako'y isang makasalanan.” Nanggilalas siya at ang kanyang mga kasama dahil sa dami ng kanilang huli, gayundin sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo at mga kasosyo ni Simon. Sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag ka nang matakot. Mula ngayo'y mga tao na, sa halip na mga isda, ang iyong huhulihin.” Nang maitabi na nila ang mga bangka sa pampang, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus. Nang si Jesus ay nasa isang bayan, nakita siya ng isang lalaking ketongin. Nagpatirapa ito at nakiusap, “Panginoon, kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis.” Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Nais kong gumaling ka at luminis!” At noon di'y nawala ang kanyang ketong. Pinagbilinan siya ni Jesus, “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay pumunta ka sa pari at magpasuri. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog ayon sa iniuutos ni Moises bilang patotoo sa mga tao na ikaw nga'y magaling na.” Ngunit lalo pang kumalat ang balita tungkol kay Jesus, kaya't dumaragsa ang napakaraming tao upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga sakit. Ngunit si Jesus naman ay pumupunta sa mga ilang na lugar upang manalangin. Minsan, habang si Jesus ay nagtuturo, may mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo sa di-kalayuan. Sila'y galing sa lahat ng bayan ng Galilea at Judea, at sa Jerusalem. Nasa kanya ang kapangyarihan ng Panginoon upang siya'y magpagaling ng mga maysakit. Dumating ang ilang lalaking may dalang isang paralitiko na nakaratay sa higaan. Nagpipilit silang makapasok sa bahay upang mailagay ang maysakit sa harapan ni Jesus. Wala silang madaanan dahil sa dami ng tao, kaya't umakyat sila sa bubungan, binakbak ito at ibinabâ sa harapan ni Jesus ang paralitikong nasa higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Kaibigan, pinapatawad ka na sa iyong mga kasalanan.” Pagkarinig nito'y nag-usap-usap ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Sino itong nagsasalita ng kalapastanganan sa Diyos? Hindi ba't Diyos lamang ang makakapagpatawad ng mga kasalanan?” Palibhasa'y alam ni Jesus ang kanilang pag-uusap, sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? Alin ba ang mas madaling sabihin, ‘Pinapatawad ka na sa iyong mga kasalanan,’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa…” sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!” Agad namang tumayo ang lalaki, at sa harap ng lahat ay binuhat niya ang kanyang higaan at umuwing nagpupuri sa Diyos. Nanggilalas ang mga naroroon at nagpuri sila sa Diyos. Sila'y namangha at nagsabi, “Kahanga-hanga ang mga bagay na nasaksihan natin ngayon!” Pagkatapos nito'y lumabas si Jesus at nakita niya si Levi, isang maniningil ng buwis, na nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo nga si Levi, iniwan ang lahat, at sumunod at naglingkod kay Jesus. Si Jesus ay hinandugan ni Levi ng isang malaking handaan sa kanyang bahay. Kasalo niya roon ang maraming maniningil ng buwis at iba pang mga tao. Kaya't nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga kasamahan nilang tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila sa mga alagad ni Jesus, “Bakit kayo kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?” Sinagot sila ni Jesus, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan upang sila'y magsisi.” May ilan namang nagsabi kay Jesus ng ganito: “Ang mga alagad ni Juan ay malimit mag-ayuno at manalangin, gayundin ang mga alagad ng mga Pariseo. Bakit ang mga alagad mo'y patuloy sa pagkain at pag-inom?” Sumagot si Jesus, “Dapat bang mag-ayuno ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Darating ang araw na kukunin na ang ikinasal, saka pa lamang sila mag-aayuno.” Sinabi rin niya sa kanila ang isang talinhaga, “Walang sumisira ng bagong damit upang itagpi sa luma. Kapag ganoon ang ginawa, masasayang ang bagong damit at ang tagping mula rito ay hindi naman babagay sa damit na luma. Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag ganoon ang ginawa, papuputukin ng bagong alak ang lumang sisidlan, matatapon ang alak at masisira ang sisidlan. Sa bagong sisidlang-balat dapat ilagay ang bagong alak. Wala ring magkakagustong uminom ng bagong alak kapag nakainom na ng lumang alak, sapagkat sasabihin niya, ‘Mas masarap ang lumang alak.’” Isang Araw ng Pamamahinga, nagdaraan sina Jesus sa isang triguhan. Ang kanyang mga alagad ay pumitas ng mga uhay ng trigo at kanila itong kinain matapos kuskusin sa kanilang mga kamay. “Bakit kayo gumagawa ng bawal sa Kautusan sa Araw ng Pamamahinga?” tanong ng ilang Pariseo. Sinagot sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang minsang magutom sila ng kanyang mga kasama? Di ba't pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog, na tanging mga pari lamang ang may karapatang kumain? Binigyan pa niya ang kanyang mga kasama.” At sinabi pa ni Jesus, “Ang Anak ng Tao ay siyang Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.” Isang Araw ng Pamamahinga rin noon nang pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. Doon ay may isang lalaking paralisado ang kanang kamay. Sa hangad ng mga tagapagturo ng Kautusan at Pariseo na magkaroon ng maipaparatang kay Jesus, binantayan nila si Jesus upang tingnan kung siya'y magpapagaling ng maysakit sa Araw ng Pamamahinga. Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito sa unahan.” Lumapit ang lalaki at tumayo nga roon. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagapagturo ng Kautusan at Pariseo, “Tatanungin ko kayo. Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?” Tiningnan niyang isa-isa ang mga taong nakapaligid at pagkatapos ay sinabi sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay!” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling. Nagngitngit naman sa galit ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, at pinag-usapan nila kung ano ang dapat nilang gawin kay Jesus. Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa isang bundok at magdamag siyang nanalangin sa Diyos. Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad, pumili siya sa kanila ng labindalawa, at sila'y tinawag niyang mga apostol. Sila ay sina Simon, na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito, sina Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, Santiagong anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote na naging taksil. Pagbaba ni Jesus kasama ang mga apostol, nadatnan nila sa isang patag na lugar ang marami sa kanyang mga alagad, kasama ang napakaraming taong buhat sa Judea, Jerusalem, at mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon. Pumaroon sila upang makinig, at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Pinagaling nga sila ni Jesus, pati na rin ang mga pinapahirapan ng masasamang espiritu. Sinisikap ng lahat ng maysakit na makahawak man lamang sa kanya, sapagkat may kapangyarihan siyang nagpapagaling ng lahat ng karamdaman. Tumingin si Jesus sa mga alagad, at sinabi, “Mapalad kayong mga mahihirap, sapagkat kayo'y paghaharian ng Diyos! “Mapalad kayong mga nagugutom ngayon, sapagkat kayo'y bubusugin ng Diyos! “Mapalad kayong mga tumatangis ngayon, sapagkat kayo'y bibigyang kagalakan! “Mapalad kayo kung dahil sa inyong pagsunod sa Anak ng Tao ay kinapopootan kayo, ipinagtatabuyan at nilalait ng mga tao, at pinagbibintangang kayo ay masama. Magalak kayo at tumalon sa tuwa kung gayon ang mangyari sa inyo, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta. “Ngunit kahabag-habag kayong mga mayayaman ngayon, sapagkat natamasa na ninyo ang kaginhawahan. “Kahabag-habag kayong mga busog ngayon, sapagkat kayo'y magugutom! “Kahabag-habag kayong mga tumatawa ngayon, sapagkat kayo'y magdadalamhati at magsisitangis! “Kahabag-habag kayo, kung kayo'y pinupuri ng lahat ng tao, sapagkat gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga huwad na propeta.” “Subalit sinasabi ko sa inyong mga nakikinig sa akin: Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ng mabuti ang mga napopoot sa inyo. Pagpalain ninyo ang sumusumpa sa inyo at ipanalangin ang mga nang-aapi sa inyo. Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kapag inagaw ang iyong balabal, huwag mong ipagkait ang iyong damit. Bigyan mo ang bawat humihingi sa iyo; at kung may kumuha ng iyong ari-arian, huwag mo nang bawiin pa ang mga iyon. Gawin ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo. “Kung ang nagmamahal lamang sa inyo ang inyong mamahalin, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Ang mga makasalanan man ay marunong ding magmahal sa mga nagmamahal sa kanila. Kung ang mga nagmamabuti lamang sa inyo ang inyong gagawan ng mabuti, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang masasamang tao ay gumagawa rin niyan! At kung ang makakabayad lamang ang inyong pauutangin, ano pang gantimpala ang inyong hihintayin? Kahit ang masasamang tao ay nagpapautang din sa kapwa nila masama, sa pag-asang sila'y mababayaran. Sa halip, mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti. Magpahiram kayo na hindi umaasa ng anumang kabayaran. Sa gayon, malaking gantimpala ang tatamuhin ninyo, at kayo'y magiging mga anak ng Kataas-taasang Diyos. Sapagkat siya'y mabuti kahit sa masasama at sa mga hindi marunong tumanaw ng utang na loob. Maging mahabagin kayo tulad ng inyong Ama.” “Huwag kayong humatol at hindi kayo hahatulan. Huwag kayong magparusa at hindi kayo paparusahan ng Diyos. Patawarin ninyo ang inyong kapwa at kayo'y patatawarin din ng Diyos. Magbigay kayo at kayo'y bibigyan ng Diyos; hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo.” Tinanong sila ni Jesus nang patalinhaga, “Maaari kayang mag-akay ang isang bulag ng kapwa niya bulag? Pareho silang mahuhulog sa hukay kapag ginawa nila ang ganoon! Walang alagad na nakakahigit sa kanyang guro, ngunit matapos maturuang lubos, ang alagad ay makakatulad ng kanyang guro. “Bakit mo pinapansin ang puwing ng iyong kapatid ngunit hindi mo pinapansin ang troso sa iyong mata? Paano mong masasabi sa iyong kapatid, ‘Kapatid, hayaan mong alisin ko ang iyong puwing,’ gayong hindi mo nakikita ang trosong nasa iyong mata? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa iyong mata, nang makakita kang mabuti; sa gayon, maaalis mo na ang puwing ng iyong kapatid.” “Walang mabuting punongkahoy ang namumunga ng masama, at wala ring masamang puno ang namumunga ng mabuti. Nakikilala ang bawat puno sa pamamagitan ng kanyang bunga. Sapagkat hindi nakakapitas ng igos sa matitinik na halaman o ng ubas sa mga dawag. Ang mabuting tao ay naglalabas ng mabuti mula sa kanyang pusong sagana sa kabutihan, samantalang ang masamang tao naman ay naglalabas ng masama mula sa kanyang pusong tigib ng kasamaan. Sapagkat kung ano ang nag-uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng labi.” “Bakit ninyo ako tinatawag ng ‘Panginoon, Panginoon,’ gayong hindi naman ninyo tinutupad ang sinasabi ko? Sasabihin ko sa inyo kung ano ang katulad ng taong lumalapit sa akin, nakikinig sa aking mga salita, at nagsasagawa ng mga ito. Siya ay katulad ng isang taong humukay nang malalim at nagtayo ng bahay sa pundasyong bato. Nang bumaha at bumugso ang tubig, hindi natinag ang bahay na itinayo, sapagkat matibay ang pagkakatayo nito. Ngunit ang nakikinig naman ng aking mga salita at hindi tumutupad nito ay katulad ng isang taong nagtayo ng bahay nang walang pundasyon. Nang bumaha at bumugso ang tubig sa bahay na iyon, kaagad itong bumagsak at lubusang nawasak.” Nang matapos turuan ni Jesus ang mga tao, pumunta siya sa bayan ng Capernaum. Doon ay may isang kapitang Romano na may aliping mahal sa kanya. May sakit ang aliping ito at nasa bingit ng kamatayan. Nang mabalitaan ng kapitan ang tungkol kay Jesus, nagsugo siya ng ilang mga pinuno ng mga Judio upang pakiusapan si Jesus na dalawin at pagalingin ang alipin. Paglapit ng mga sugo kay Jesus, taimtim silang nakiusap sa kanya, “Siya po'y karapat-dapat na pagbigyan ninyo sapagkat mahal niya ang ating bansa. Sa katunayan nga po, ipinagpatayo niya tayo ng isang sinagoga.” Sumama sa kanila si Jesus, ngunit nang malapit na siya sa bahay ay nasalubong niya ang mga kaibigan ng kapitan. Sila ay sinugo ng kapitan upang ipasabi kay Jesus ang ganito: “Ginoo, huwag na po kayong magpakapagod. Hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking tahanan, ni hindi rin po ako karapat-dapat na humarap sa inyo. Ngunit sabihin lamang po ninyo at gagaling na ang aking alipin. Ako po ay nasa ilalim ng mga nakakataas sa akin at may nasasakupan naman akong mga kawal. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon!’ pumupunta siya; at kapag sinabi ko naman po sa isa, ‘Halika!’ siya'y lumalapit. Kapag sinabi ko po sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ ginagawa niya iyon.” Namangha si Jesus nang marinig ito, kaya't humarap siya sa napakaraming taong sumusunod sa kanya at sinabi, “Kahit na sa Israel ay hindi ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya.” Pagbalik nila sa bahay, naratnan ng mga isinugo na magaling na nga ang alipin. Pagkatapos nito, nagpunta naman si Jesus sa isang bayang tinatawag na Nain. Sumama sa kanya ang mga alagad at ang napakaraming tao. Nang malapit na siya sa pintuan ng bayan, nasalubong nila ang libing ng kaisa-isang anak na lalaki ng isang biyuda. Napakaraming nakikipaglibing. Nahabag ang Panginoon nang kanyang makita ang ina ng namatay kaya't sinabi niya rito, “Huwag ka nang umiyak.” Nilapitan niya at hinipo ang kinalalagyan ng bangkay at tumigil naman ang mga may pasan nito. Sinabi niya, “Binata, makinig ka sa akin, bumangon ka!” Naupo ang binata at nagsalita; at siya'y ibinigay ni Jesus sa kanyang ina. Natakot ang lahat at sila'y nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Dumating sa kalagitnaan natin ang isang dakilang propeta! Dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan!” At kumalat sa buong Judea at sa palibot na lupain ang balitang ito tungkol sa ginawa ni Jesus. Ibinalita kay Juan ng kanyang mga alagad ang lahat ng mga pangyayaring ito. Kaya't tinawag ni Juan ang dalawa sa kanila at pinapunta sa Panginoon upang itanong kung siya na nga ang ipinangakong darating, o kung maghihintay pa sila ng iba. Pagdating doo'y sinabi nila kay Jesus, “Pinapunta po kami dito ni Juan na Tagapagbautismo upang itanong kung kayo na nga ang darating, o maghihintay pa kami ng iba.” Nang mga sandaling iyon, si Jesus ay nagpapagaling ng mga maysakit at mga may matinding karamdaman at mga sinasapian ng masasamang espiritu. Marami ding mga bulag ang pinagkalooban niya ng paningin. Kaya't sinabi niya sa mga sugo ni Juan, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong nakita at narinig; nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling at lumilinis ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Mapalad ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!” Habang papaalis ang mga sugo, nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Bakit kayo pumunta sa ilang? Ano ang ibig ninyong makita? Isang halamang tambo na iniuugoy ng hangin? Ano nga ba ang inyong dinayo roon? Isang taong may mamahaling damit? Ang mga nagdaramit ng mamahalin at namumuhay sa karangyaan ay nasa palasyo ng mga hari. Ano nga ang inyong dinayo? Isang propeta? Oo. At sinasabi ko sa inyo, siya'y higit pa sa isang propeta. Sapagkat si Juan ang tinutukoy ng kasulatan: ‘Narito, ipinapadala ko ang aking sugo na mauuna sa iyo, upang ihanda ang iyong daraanan.’ Sinasabi ko sa inyo, wala pang isinilang na mas dakila kaysa kanya. Ngunit mas dakila kay Juan ang pinakamababa sa mga pinaghaharian ng Diyos.” Ang lahat ng mga taong nakarinig sa kanya, pati na ang mga maniningil ng buwis ay nagpuri sa Diyos. Ang mga ito'y binautismuhan ni Juan. Ngunit ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa kautusang Judio na ayaw magpabautismo ay tumanggi sa layunin ng Diyos para sa kanila. Sinabi pa ni Jesus, “Kanino ko maihahambing ang mga tao ngayon? Ano ang nakakatulad nila? Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa palengke at sumisigaw sa kanilang mga kalaro, ‘Tinugtugan namin kayo ng plauta, ngunit hindi kayo sumayaw! Narinig ninyo kaming tumangis, ngunit hindi kayo nakiiyak!’ Sapagkat nang dumating si Juan na Tagapagbautismo, siya'y nag-aayuno at hindi umiinom ng alak; at ang sabi ninyo, ‘Sinasapian ng demonyo ang taong iyan!’ Nang dumating naman ang Anak ng Tao, siya'y kumakain at umiinom, ngunit sinasabi naman ninyo, ‘Tingnan ninyo ang taong iyan! Matakaw, lasenggo at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’ Ngunit ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa pamamagitan ng lahat ng taong namumuhay ayon doon.” Minsan, si Jesus ay naanyayahang kumain sa bahay ng isang Pariseo. Pumunta naman siya at dumulog sa hapag. Nang mabalitaang kumakain si Jesus sa bahay ng naturang Pariseo, isang babaing itinuturing na makasalanan sa bayang iyon ang nagpunta roon na may dalang pabangong nasa sisidlang alabastro. Umiiyak siyang lumapit sa paanan ni Jesus, at hinugasan ng kanyang luha ang mga paa nito. Pinunasan niya ng kanyang sariling buhok ang mga paa ni Jesus, hinalikan ito at binuhusan ng pabango. Nang ito'y makita ng Pariseong nag-anyaya kay Jesus, nasabi nito sa sarili, “Kung talagang propeta ang taong ito, dapat ay alam niya na ang babaing humahawak sa kanyang paa ay isang makasalanan.” Bilang tugon sa iniisip ni Simon, sinabi ni Jesus, “Simon, may sasabihin ako sa iyo.” “Ano po iyon, Guro?” sagot niya. Kaya't nagpatuloy si Jesus, “May dalawang taong umuutang sa isang nagpapahiram ng pera; limang daang salaping pilak ang inutang ng isa, at limampung salaping pilak naman ang sa ikalawa. Nang hindi sila makabayad, kapwa sila pinatawad. Ngayon, sino kaya sa kanila ang higit na magmamahal sa pinagkautangan?” Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po'y ang pinatawad sa mas malaking utang.” “Tama ang sagot mo,” tugon ni Jesus. Nilingon niya ang babae at sinabi kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo man lamang ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa; ngunit hinugasan niya ng luha ang aking mga paa at pinunasan ito ng sarili niyang buhok. Hindi mo ako hinalikan; ngunit siya, mula nang pumasok ay hindi tumigil ng kahahalik sa aking mga paa. Hindi mo nilagyan ng langis ang aking ulo, subalit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa. Kaya't sinasabi ko sa iyo, malaki ang kanyang pagmamahal sapagkat maraming kasalanan ang pinatawad sa kanya; ngunit ang pinatawad ng kaunti ay kaunti rin lang ang nadaramang pagmamahal.” At sinabi niya sa babae, “Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” At ang kanyang mga kasalo sa pagkain ay nagsimulang magtanong sa sarili, “Sino ba itong nangangahas na magpatawad ng kasalanan?” Ngunit sinabi ni Jesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka na.” Pagkatapos nito, nilibot ni Jesus ang mga bayan at nayon sa paligid. Nangangaral siya at nagtuturo ng Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Kasama niya ang Labindalawa at ilang babaing pinagaling niya sa masasamang espiritu at sa kanilang mga karamdaman: si Maria na tinatawag na Magdalena na may pitong demonyong pinalayas ni Jesus mula sa babaing ito, si Juana na asawa ni Cusa na katiwala ni Herodes, si Susana, at marami pang iba. Sarili nilang salapi ang kanilang ginastos para sa pangangailangan ni Jesus at ng kanyang mga alagad. Nagdatingan ang mga tao mula sa iba't ibang bayan at sila'y lumalapit kay Jesus. Isinalaysay ni Jesus ang talinhagang ito: “Isang magsasaka ang pumunta sa bukid upang maghasik. Sa kanyang paghahasik, may binhing nalaglag sa daan, natapakan ito ng mga tao at tinuka ng mga ibon. May binhi namang nalaglag sa batuhan at tumubo ito, ngunit agad na natuyo dahil sa kakulangan sa tubig. May nalaglag naman sa may damuhang matinik, at nang lumago ang mga damo, sinakal nito ang mga binhing tumubo roon. Mayroon namang binhing nalaglag sa matabang lupa. Ito'y sumibol, lumago at namunga ng tigsasandaang butil.” At pagkatapos ay sinabi niya nang malakas, “Makinig ang may pandinig!” Itinanong ng mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinhagang ito. Sumagot si Jesus, “Ipinagkaloob na sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng Diyos, ngunit sa iba'y nagsasalita ako sa pamamagitan ng talinhaga. Nang sa gayon, ‘Tumingin man sila'y hindi sila makakita; at makinig man sila'y hindi sila makaunawa.’” “Ito ang kahulugan ng talinhaga: ang binhi ay ang Salita ng Diyos. Ang mga binhing nalaglag sa tabi ng daan ay ang mga taong nakikinig. Dumating ang diyablo at inalis nito ang Salita mula sa puso ng mga nakikinig upang hindi sila manalig at maligtas. Ang mga nalaglag naman sa batuhan ay ang mga nakarinig ng Salita at tumanggap nito nang may kagalakan, ngunit hindi ito nag-ugat sa kanilang puso. Sandali lamang silang naniwala, kaya't dumating ang pagsubok, sila'y tumiwalag. Ang mga nahasik naman sa may matitinik na damuhan ay ang mga nakinig sa salita ng Diyos, ngunit nang tumagal, nadaig sila ng mga alalahanin sa buhay at ng pagkahumaling sa kayamanan at kalayawan. Dahil dito, hindi nahihinog ang kanilang mga bunga. Ang mga nahasik naman sa matabang lupa ay ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at nag-iingat nito sa kanilang pusong tapat at malinis, at sila'y namumunga dahil sa pagtitiyaga.” “Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay tinatakluban ng banga o kaya'y itinatago sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay iyon sa talagang patungan upang matanglawan ang mga pumapasok sa bahay. Walang natatago na di malalantad, at walang lihim na di mabubunyag. “Kaya't pagbutihin ninyo ang inyong pakikinig, sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala ay aalisan pati na ang inaakala niyang nasa kanya.” Dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus, ngunit hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. Kaya't may nagsabi sa kanya, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid; nais nilang makipagkita sa inyo.” Ngunit sinabi ni Jesus, “Ang mga nakikinig at tumutupad ng salita ng Diyos ang siya kong ina at mga kapatid.” Isang araw, si Jesus kasama ang kanyang mga alagad ay sumakay sa isang bangka. Sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa ibayo.” At ganoon nga ang ginawa nila. Nang sila ay naglalayag na, nakatulog si Jesus. Bumugso ang isang malakas na bagyo at ang bangka ay pinasok ng tubig, kaya't sila'y nanganganib na lumubog. Nilapitan siya ng mga alagad at ginising. “Panginoon, lumulubog na po tayo!” sabi nila. Bumangon si Jesus at pinatigil ang hangin at ang malalakas na alon. Tumahimik naman ang mga ito at bumuti ang panahon. Pagkatapos, sinabi niya, “Nasaan ang inyong pananampalataya?” Ngunit sila'y natakot at namangha. Sinabi nila sa isa't isa, “Sino kaya ito? Inuutusan niya pati ang hangin at ang tubig, at sinusunod naman siya ng mga ito!” Dumaong sila sa lupain ng mga Geraseno, katapat ng Galilea sa kabilang ibayo ng lawa. Pagbaba ni Jesus sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking tagaroon na sinasapian ng mga demonyo. Matagal na itong hindi nagsusuot ng damit, ni ayaw ring tumira sa bahay kundi sa mga kuwebang libingan ito namamalagi. Nang makita si Jesus ay nagsisisigaw ang lalaki, nagpatirapa at sinabi nang malakas, “Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, ano ang pakialam mo sa akin? Nakikiusap ako sa iyo, huwag mo akong pahirapan!” Ganoon ang sinabi nito sapagkat inutusan ni Jesus na lumabas ang masamang espiritu. Madalas itong sinasapian ng masasamang espiritu, at kahit ito'y bantayan at tanikalaan ang paa't kamay, pinaglalagut-lagot lamang nito ang mga iyon. Siya'y dinadala ng demonyo sa mga liblib na pook. Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” “Pulutong,” sagot niya, sapagkat marami ang demonyong pumasok sa kanya. Nagmamakaawa kay Jesus ang mga demonyo na huwag silang itapon sa kalalimang walang hanggan. Samantala, may malaking kawan ng baboy na nagsisikain sa isang bundok na malapit doon. Nakiusap ang mga demonyo na papasukin sila sa mga iyon, at pinahintulutan naman sila ni Jesus. Lumabas sa tao ang mga demonyo at pumasok sa mga baboy. Ang kawan ay biglang sumibad ng takbo at tuluy-tuloy na nahulog sa lawa at nalunod. Nang makita ito ng mga tagapag-alaga ng mga baboy, tumakbo sila at ipinamalita ito sa bayan at sa mga nayon. Lumabas ang mga tao upang tingnan ang nangyari. Paglapit nila kay Jesus, nakita nila ang taong dating sinasapian ng mga demonyo. Nakaupo siya sa paanan ni Jesus, nakadamit na at matino na ang isip. Sila'y lubhang natakot. Isinalaysay sa kanila ng mga nakakita kung paanong gumaling ang dating sinasapian ng mga demonyo. Kaya't nakiusap kay Jesus ang mga Geraseno na umalis na lamang siya sa kanilang lupain, sapagkat sila'y takot na takot. Kaya't sumakay siya sa bangka at umalis sa pook na iyon. Nakiusap kay Jesus ang taong inalisan ng mga demonyo na siya'y isama nito. Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, “Umuwi ka na at ipamalita mo ang dakilang bagay na ginawa sa iyo ng Diyos.” Umuwi nga ang lalaki at ipinamalita sa buong bayan ang ginawa sa kanya ni Jesus. Pagbalik ni Jesus, masaya siyang tinanggap ng mga tao sapagkat siya'y hinihintay nila. Dumating noon ang isang lalaking nagngangalang Jairo, isang tagapamahala ng sinagoga. Nagpatirapa ito at nakiusap kay Jesus na sumama sa kanyang bahay, sapagkat ang kaisa-isa niyang anak na babae na maglalabindalawang taóng gulang na ay naghihingalo. Habang naglalakad si Jesus papunta sa bahay ni Jairo, sinisiksik siya ng mga tao. Kabilang sa mga ito ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo at hindi mapagaling ninuman. Naubos na ang kanyang kabuhayan dahil sa pagpapagamot. Lumapit siya sa likuran ni Jesus at hinawakan ang laylayan ng damit nito. Noon di'y tumigil ang kanyang pagdurugo. Nagtanong si Jesus, “Sino ang humawak sa damit ko?” Nang walang umamin, sinabi ni Pedro, “Panginoon, napapaligiran po kayo at sinisiksik ng mga tao!” Ngunit sinabi ni Jesus, “May humawak sa damit ko! Naramdaman kong may kapangyarihang lumabas sa akin.” Nang malaman ng babae na hindi pala maililihim ang kanyang ginawa, siya'y nanginginig na lumapit at nagpatirapa sa paanan ni Jesus. Pagkatapos, sinabi niya sa lahat ng naroon kung bakit niya hinawakan ang damit ni Jesus, at kung paanong siya'y agad na gumaling. Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Makakauwi ka na.” Nagsasalita pa si Jesus nang dumating ang isang lalaking galing sa bahay ni Jairo. “Patay na po ang inyong anak!” sabi niya kay Jairo. “Huwag na po ninyong abalahin ang Guro.” Nang ito'y marinig ni Jesus, sinabi niya kay Jairo, “Huwag ka nang mag-alala. Manalig ka lamang at siya'y gagaling.” Pagdating sa bahay, wala siyang isinama sa loob kundi sina Pedro, Juan at Santiago, at ang mga magulang ng dalagita. Nag-iiyakan ang lahat ng naroroon at kanilang tinatangisan ang patay. Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag kayong umiyak. Hindi patay ang bata; natutulog lamang.” Kinutya nila si Jesus sapagkat alam nilang patay na ang dalagita. Ngunit hinawakan ni Jesus ang kamay nito at sinabi, “Ineng, bumangon ka.” Nagbalik ang hininga ng dalagita at ito'y bumangon. Pagkatapos, pinabigyan agad siya ni Jesus ng pagkain. Gulat na gulat naman ang mga magulang ng bata, ngunit pinagbilinan sila ni Jesus na huwag sasabihin kaninuman ang pangyayaring ito. Tinipon ni Jesus ang Labindalawa at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo at magpagaling ng mga may sakit. Isinugo sila ni Jesus upang mangaral tungkol sa paghahari ng Diyos at upang magpagaling ng mga maysakit. Sila'y pinagbilinan niya, “Huwag kayong magbabaon ng anuman sa inyong paglalakbay, kahit tungkod, bag, tinapay, salapi, o bihisan man. Makituloy kayo sa sinumang tumanggap sa inyo, at manatili kayo sa bahay nito hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. Kung hindi naman kayo tanggapin ng mga tao sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa bilang babala laban sa kanila.” Saan man sila mapunta, ipinapangaral nila ang Magandang Balita at pinapagaling nila ang mga maysakit. Ang mga nangyayari ay nabalitaan ni Herodes na pinuno ng Galilea. Nabagabag siya sapagkat may nagsasabing muling nabuhay si Juan na Tagapagbautismo. Sinasabi naman ng iba, “Nagpakita si Elias.” May nagsasabi pang, “Ang isa sa mga propeta noong unang panahon ay muling nabuhay.” Ngunit sinabi ni Herodes, “Pinapugutan ko na si Juan. Sino kaya ang lalaking ito? Marami na akong nababalitaan tungkol sa kanya.” Kaya sinikap niyang makita si Jesus. Pagbalik ng mga apostol, isinalaysay nila kay Jesus ang lahat ng kanilang ginawa. Pagkatapos, umalis si Jesus kasama ang mga alagad papunta sa bayan ng Bethsaida. Sinundan siya ng mga tao nang malaman ito, at malugod naman silang tinanggap ni Jesus. Tinuruan niya ang mga tao tungkol sa paghahari ng Diyos at pinagaling niya ang mga may karamdaman. Nang malapit nang lumubog ang araw, nilapitan siya ng Labindalawa at sinabi, “Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makahanap sila ng makakain at matutuluyan sa mga nayon sa paligid. Nasa ilang na lugar po tayo.” Ngunit sinabi niya, “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” Sumagot naman ang mga alagad, “Wala po tayong pagkain kundi lilimang tinapay at dadalawang isda. Bibili po ba kami ng pagkain para sa lahat ng taong ito?” Halos limanlibo ang mga lalaking naroon. Sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Paupuin ninyo ang mga tao nang lima-limampu.” Pinaupo nga nila ang lahat. Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda, tumingin sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga tinapay at isda at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Silang lahat ay nakakain at nabusog. Nang ipunin ng mga alagad ang lumabis, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing. Isang araw, habang si Jesus ay nananalanging mag-isa, lumapit sa kanya ang mga alagad. Tinanong sila ni Jesus, “Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin? Sino raw ako?” Sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan, kayo si Juan na Tagapagbautismo; sabi naman po ng iba, kayo si Elias; may nagsasabi namang muling nabuhay ang isa sa mga propeta noong unang panahon.” “Kayo naman, ano ang sabi ninyo?” tanong niya sa kanila. “Kayo po ang Cristo na sinugo ng Diyos!” sagot ni Pedro. Mahigpit na itinagubilin ni Jesus sa kanyang mga alagad na huwag nilang sasabihin ito kaninuman. Sinabi pa niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao'y dapat magdanas ng matinding hirap. Itatakwil siya ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya ay ipapapatay nila ngunit sa ikatlong araw ay muli siyang bubuhayin ng Diyos.” At sinabi niya sa kanilang lahat, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil niya ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito. Ano nga ang mapapala ng tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung ang mapapahamak naman ay ang kanyang sarili. Kapag ako at ang aking mga salita ay ikakahiya ninuman, ikakahiya rin siya ng Anak ng Tao pagparito niya na taglay ang kanyang karangalan at ang karangalan ng Ama at ng mga banal na anghel. Sinasabi ko sa inyo ang totoo: may ilan sa inyo ritong hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikitang naghahari ang Diyos.” Makalipas ang halos walong araw, umakyat si Jesus sa bundok upang manalangin. Isinama niya sina Pedro, Juan at Santiago. Habang siya'y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha at ang kanyang kasuotan ay nagningning sa kaputian. Biglang may nagpakitang dalawang lalaki, sina Moises at Elias, na ang mga anyo ay nakakasilaw din. Sila'y nakipag-usap kay Jesus tungkol sa nalalapit niyang kamatayan na magaganap sa Jerusalem. Natutulog sina Pedro noon, ngunit sila'y biglang nagising at nakita nila si Jesus na nakakasilaw ang anyo at may kasamang dalawang lalaki. Nang papaalis na ang mga lalaki, sinabi ni Pedro, “Panginoon, mabuti po at nandito kami. Gagawa po kami ng tatlong kubol, isa sa inyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.” Ang totoo'y hindi niya nalalaman ang kanyang sinasabi. Nagsasalita pa siya nang matakpan sila ng isang makapal na ulap at sila'y natakot. Isang tinig ang nagsalita mula sa ulap, “Ito ang aking Anak, ang aking Pinili. Pakinggan ninyo siya!” Nang mawala ang tinig, nakita nilang nag-iisa na si Jesus. Hindi muna ipinamalita ng mga alagad ang kanilang nakita. Kinabukasan, bumabâ sila mula sa bundok at si Jesus ay sinalubong ng napakaraming tao. Mula sa karamihan ay may isang lalaking sumigaw, “Guro, pakitingnan nga po ninyo ang kaisa-isa kong anak na lalaki! Sinasaniban po siya ng isang espiritu at bigla na lamang siyang nagsisisigaw at nangingisay hanggang sa bumula ang bibig. Lubha po siyang pinapahirapan at halos ayaw nang tigilan. Nakiusap po ako sa inyong mga alagad na palayasin nila ang espiritu ngunit hindi nila ito mapalayas.” Sumagot si Jesus, “Lahing napakasama at walang pananampalataya! Hanggang kailan pa ako dapat manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan?” At sinabi niya sa lalaki, “Dalhin ninyo rito ang iyong anak.” Nang papalapit na ang bata, pinangisay na naman ito ng demonyo at bumagsak sa lupa. Ngunit pinalayas ni Jesus ang masamang espiritu at pinagaling ang bata; pagkatapos ay ibinigay sa ama nito. At namangha ang mga tao sa nakita nilang kapangyarihan ng Diyos. Hangang-hanga ang lahat ng mga tao sa ginawa ni Jesus, ngunit sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Pakinggan ninyo at tandaan itong sasabihin ko: ang Anak ng Tao ay pagtataksilan at mapapasailalim sa kapangyarihan ng mga tao.” Ngunit hindi nila ito naunawaan sapagkat inilihim sa kanila ang kahulugan nito. Nag-aalangan naman silang magtanong kung anong ibig niyang sabihin. At nagtalu-talo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't tinawag niya ang isang maliit na bata at pinatayo sa tabi niya. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang tumatanggap sa batang ito alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang mapagpakumbabá sa inyong lahat ay siyang magiging pinakadakila.” Sinabi ni Juan, “Panginoon, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa inyong pangalan. Pinagbawalan po namin siya sapagkat hindi natin siya kasamahan.” Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat ang hindi laban sa inyo ay kakampi ninyo.” Nang nalalapit na ang panahong iaakyat si Jesus sa langit, ipinasya niyang pumunta sa Jerusalem. Sinugo niya ang ilan upang mauna sa kanya. Pumunta sila sa isang nayon sa Samaria upang ipaghanda siya ng matutuluyan. Ngunit ayaw siyang patuluyin ng mga Samaritano dahil sa siya'y papunta sa Jerusalem. Nang malaman ito nina Santiago at Juan, sinabi nila, “Panginoon, payag po ba kayong paulanan namin sila ng apoy upang sila'y matupok?” Ngunit bumaling si Jesus sa kanila at sila'y pinagsabihan. At nagpunta sila sa ibang nayon. Samantalang sila'y naglalakad, may isang lalaking lumapit at nagsabi kay Jesus, “Sasama po ako sa inyo kahit saan.” Sumagot si Jesus, “May lungga ang asong-gubat, at may pugad ang mga ibon, ngunit ang Anak ng Tao'y walang sariling tahanan.” At sinabi naman niya sa isa, “Sumunod ka sa akin.” Ngunit sumagot ang tao, “Panginoon, hayaan lang po muna ninyong maipalibing ko ang aking ama.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Hayaan mong mga patay ang magpalibing sa kanilang mga patay. Ngunit humayo ka at ipahayag mo ang tungkol sa paghahari ng Diyos.” May isa namang nagsabi sa kanya, “Susunod po ako sa inyo, Panginoon, ngunit hayaan ninyong magpaalam muna ako sa aking mga kasambahay.” At ganito naman ang tugon ni Jesus, “Ang sinumang nag-aararo at palingun-lingon ay hindi karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.” Pagkatapos nito, pumili ang Panginoon ng pitumpu't dalawa. Sila ay isinugo niya nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na pupuntahan niya. Sinabi niya sa kanila, “Napakarami ng aanihin ngunit kakaunti ang mga mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala siya ng mga mag-aani. Sige pumunta na kayo! Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mababangis na asong-gubat. Huwag kayong magdala ng lalagyan ng pera, bag, o sandalyas. Huwag na kayong makikipagbatian kaninuman sa daan. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, tatanggapin nila ang kapayapaan ninyo; ngunit kung hindi, babalik sa inyo ang inyong kapayapaan. Makituloy kayo sa bahay na iyan at huwag kayong magpapalipat-lipat ng tinutuluyan. Kainin ninyo at inumin ang anumang ihain sa inyo sapagkat ang manggagawa ay may karapatang tumanggap ng sweldo. Kapag tinanggap kayo sa alinmang bayan, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at sabihin sa mga tagaroon, ‘Malapit na kayong pagharian ng Diyos.’ Ngunit kung hindi kayo tanggapin sa isang bayan, pumunta kayo sa mga lansangan nito at sabihin, ‘Pati ang alikabok ng inyong bayan na dumikit sa aming mga paa ay ipinapagpag namin bilang babala sa inyo. Ngunit pakatandaan ninyo, nabigyan na kayo ng pagkakataong mapagharian ng Diyos!’ Sinasabi ko sa inyo, sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang parusang igagawad sa mga mamamayan ng bayang iyon kaysa sa parusang dinanas ng mga taga-Sodoma!” “Kawawa kayo mga taga-Corazin! Kawawa kayo mga taga-Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sanang nagdamit ng sako at naupo sa abo ang mga tagaroon bilang tanda ng kanilang pagsisisi. Sa Araw ng Paghuhukom, higit na mabigat ang kaparusahan ninyo kaysa sa kaparusahan sa mga taga-Tiro at taga-Sidon. At kayong mga taga-Capernaum, maaaring itaas ninyo ang inyong sarili hanggang sa langit ngunit ibabagsak kayo hanggang sa daigdig ng mga patay. “Ang nakikinig sa inyo ay sa akin nakikinig, ang nagtatakwil sa inyo ay nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin.” Masayang-masayang bumalik ang pitumpu't dalawa. Iniulat nila sa Panginoon, “Kahit po ang mga demonyo ay sumusuko sa amin dahil po sa kapangyarihan ng inyong pangalan.” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Nakita kong parang kidlat na nahulog si Satanas mula sa langit. Binigyan ko kayo ng kapangyarihang tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway; at walang makakapanakit sa inyo. Ngunit magalak kayo, hindi dahil sa napapasuko ninyo ang masasamang espiritu, kundi dahil sa nakatala sa langit ang inyong mga pangalan.” Nang oras ding iyon, si Jesus ay napuspos ng kagalakan ng Espiritu Santo. Sinabi niya, “Salamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo sa marurunong at sa mga matatalino ang mga bagay na ito, ngunit inihayag mo sa mga taong ang kalooban ay tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat ganoon ang nais mong mangyari. “Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at wala namang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak, at ang mga taong ginawang karapat-dapat ng Anak na makakilala sa Ama.” Humarap si Jesus sa mga alagad at sinabi nang walang ibang nakakarinig, “Mapalad kayo sapagkat nakita ninyo ang mga nakikita ninyo ngayon. Sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at matutuwid na tao ang naghangad na makita ang inyong nasasaksihan at marinig ang inyong napapakinggan, subalit hindi nila ito nakita ni narinig.” Isang dalubhasa sa kautusang Judio ang lumapit kay Jesus upang siya'y subukin. “Guro, ano ang dapat kong gawin upang magkaroon ako ng buhay na walang hanggan?” tanong niya. Sumagot si Jesus, “Ano ba ang nakasulat sa Kautusan? Ano ba ang nababasa mo roon?” Sumagot ang lalaki, “‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong lakas, at buong pag-iisip;’ at ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’” Sabi ni Jesus, “Tama ang sagot mo. Gawin mo iyan at magkakamit ka ng buhay na walang hanggan.” Upang huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, nagtanong pa ang lalaki, “Sino naman ang aking kapwa?” Sumagot si Jesus, “May isang taong naglalakbay mula sa Jerusalem papuntang Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, kinuha pati ang damit sa kanyang katawan, binugbog, at iniwang halos patay na. Nagkataong dumaan doon ang isang paring Judio. Nang makita ang taong nakahandusay, lumihis siya at nagpatuloy sa kanyang paglakad. Dumaan din ang isang Levita, ngunit nang makita niya ang taong binugbog, lumihis din ito at nagpatuloy sa kanyang paglakad. Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na napadaan doon. Nakita niya ang biktima at siya'y naawa. Nilapitan niya ito, binuhusan ng langis at alak ang mga sugat at binendahan. Pagkatapos, ang lalaki ay isinakay ng Samaritano sa kanyang asno at dinala ito sa bahay-panuluyan upang maalagaan doon. Kinabukasan, binigyan niya ng dalawang salaping pilak ang may-ari ng bahay-panuluyan, at sinabi, ‘Heto, alagaan mo siya, at kung higit pa riyan ang iyong magagastos, babayaran ko sa aking pagbalik.’” At nagtanong si Jesus, “Sa palagay mo, sino kaya sa tatlo ang naging tunay na kapwa ng taong hinarang ng mga tulisan?” “Ang taong tumulong sa kanya,” tugon ng abogado. Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Sige ganoon din ang iyong gawin.” Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpatuloy sa kanilang paglalakbay, at pumasok sa isang nayon. Malugod silang tinanggap sa tahanan nina Marta at ng kapatid niyang si Maria. Naupo ito sa may paanan ng Panginoon upang makinig sa kanyang itinuturo. Si Marta naman ay abalang-abala sa paghahanda, kaya't lumapit siya kay Jesus at dumaing, “Panginoon, bale-wala po ba sa inyo na pinababayaan ako ng kapatid kong maghanda nang nag-iisa? Sabihan nga po ninyo siyang tulungan naman ako.” Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Marta, Marta, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay, ngunit iisa lamang ang talagang kailangan. Mas mabuti ang pinili ni Maria at ito'y hindi aalisin sa kanya.” Minsan, nanalangin si Jesus sa isang lugar. Nang siya'y matapos, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan nga po ninyo kaming manalangin, tulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung kayo'y mananalangin, sabihin ninyo, ‘Ama, sambahin nawa ang iyong pangalan. Nawa'y maghari ka sa amin. Bigyan mo kami ng aming kakainin sa araw-araw. At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, sapagkat pinapatawad namin ang bawat nagkakasala sa amin. At huwag mo kaming hayaang matukso.’” Sinabi pa rin niya sa kanila, “Ipalagay nating isang hatinggabi, isa sa inyo'y nagpunta sa isa ninyong kaibigan at nakiusap, ‘Kaibigan, bigyan mo muna ako ng tatlong tinapay. Dumating kasi ang isa kong kaibigang naglalakbay at wala akong maihain sa kanya!’ At ganito naman ang sagot ng kaibigan mong nasa loob ng bahay, ‘Huwag mo na akong gambalain! Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng aking mga anak. Hindi na ako makakabangon para bigyan ka ng iyong kailangan.’ Sinasabi ko sa inyo, hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagiging magkaibigan, babangon siya upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan dahil sa pagpupumilit nito. Kaya't sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan. Kayong mga ama, bibigyan ba ninyo ng ahas ang inyong anak kung ito'y humihingi ng isda? Bibigyan ba ninyo siya ng alakdan kung siya'y humihingi ng itlog? Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit! Ibibigay niya ang Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!” Minsan, pinalayas ni Jesus ang isang demonyo mula sa isang lalaking pipi. Nang nakapagsalita ito, ang mga tao ay humanga kay Jesus. Subalit sinabi naman ng ilan sa mga naroon, “Nakapagpalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul, ang pinuno ng mga demonyo.” May ilan namang, sa pagnanais na siya'y subukin, patuloy na humihiling na magpakita siya ng isang himalang mula sa langit. At dahil alam ni Jesus ang kanilang iniisip, sinabi niya sa kanila, “Ang kahariang nahahati sa magkakalabang pangkat ay babagsak at ang sambahayang nag-aaway-away ay mawawasak. Kung may mga pangkat sa kaharian ni Satanas na naglalaban-laban, paano mananatili ang kanyang kaharian? Sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul. Kung sa kapangyarihan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, sa kaninong kapangyarihan naman nagpapalayas ng demonyo ang inyong mga tagasunod? Sila na rin ang magpapatunay na mali kayo. Nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ng Diyos, at ito'y nangangahulugang dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos. “Kapag ang isang taong malakas ay nagbabantay sa kanyang bahay na dala ang kanyang mga sandata, ligtas ang kanyang mga ari-arian. Ngunit kung salakayin siya ng isang taong higit na malakas kaysa kanya, sasamsamin nito ang mga sandatang kanyang inaasahan at ipamamahagi nito ang mga inagaw na ari-arian. “Ang hindi ko kakampi ay kalaban ko, at ang hindi ko kasamang nag-iipon ay nagkakalat.” “Kapag umalis sa tao ang isang masamang espiritu, nagpapagala-gala ito sa mga tigang na lugar at naghahanap ng mapagpapahingahan. Kapag wala siyang makita, sasabihin niya sa sarili, ‘Babalik ako sa bahay na aking pinanggalingan.’ Sa pagbabalik niya ay matatagpuan niyang malinis at maayos ang bahay. Kaya't, lalabas siyang muli at magsasama ng pito pang espiritung mas masasama kaysa kanya. Papasok sila at maninirahan doon, kaya't mas masama pa kaysa dati ang kalagayan ng taong iyon.” Habang nagsasalita si Jesus, may isang babaing sumigaw mula sa karamihan, “Mapalad ang babaing nagbuntis at nag-alaga sa iyo.” Ngunit sumagot siya, “Higit na mapalad ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!” Nang dumagsa ang mga tao, sinabi ni Jesus, “Napakasama ng mga tao sa panahong ito. Naghahanap sila ng palatandaang mula sa langit, subalit walang palatandaang ipapakita sa kanila maliban sa nangyari kay Jonas. Kung paanong si Jonas ay naging isang palatandaan sa mga taga-Nineve, gayundin naman, ang Anak ng Tao ay magiging isang palatandaan sa lahing ito. Sa Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang Reyna ng Sheba laban sa lahing ito, sapagkat naglakbay siya mula pa sa dulo ng daigdig upang mapakinggan ang karunungan ni Solomon, ngunit ang naririto ngayon ay higit na dakila kaysa kay Solomon. Sa Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang mga taga-Nineve laban sa lahing ito, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas. Pakinggan ninyo, lalong dakila kay Jonas ang naririto ngayon.” “Walang nagsisindi ng ilaw upang itago lamang iyon, o kaya'y ilagay sa ilalim ng malaking takalan. Inilalagay ang ilaw sa talagang patungan upang matanglawan ang mga pumapasok sa bahay. Ang iyong mata ang ilawan ng iyong katawan. Kung malinaw ang iyong mata, maliliwanagan ang buo mong katawan. Ngunit kung malabo ang iyong mata, ang buo mong katawan ay mapupuno ng kadiliman. Kaya't mag-ingat ka, baka ang liwanag na inaakala mong nasa iyo ay kadiliman pala. Kung nasa liwanag ang buo mong katawan at walang bahaging nasa dilim, magliliwanag itong parang isang ilawan na tumatanglaw sa iyo.” Pagkatapos magsalita, si Jesus ay inanyayahan ng isang Pariseo upang kumain sa bahay niya. Nagpaunlak si Jesus at dumulog sa hapag. Nagulat ang Pariseo nang makita niyang si Jesus ay hindi muna naghugas ng kamay. Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kayong mga Pariseo, hinuhugasan ninyo ang labas ng baso at ng pinggan, ngunit ang loob ninyo'y punung-puno ng kasakiman at kasamaan. Mga hangal! Hindi ba't ang lumikha ng nasa labas ang siya ring lumikha ng nasa loob? Ipamahagi muna ninyo sa mga dukha ang laman ng inyong mga baso at pinggan, at magiging malinis ang lahat ng bagay para sa inyo. “Kahabag-habag kayong mga Pariseo! Ibinibigay ninyo ang ikasampung bahagi ng yerbabuena, ruda, at iba pang halamang panimpla sa pagkain, ngunit kinakaligtaan naman ninyo ang katarungan at ang pag-ibig ng Diyos. Tamang gawin ninyo ang una, ngunit hindi ninyo dapat kaligtaan ang ikalawa. “Kahabag-habag kayong mga Pariseo! Mahihilig kayo sa mga upuang pandangal sa mga sinagoga, at ibig ninyong pagpugayan kayo sa mga palengke. Kahabag-habag kayo sapagkat para kayong mga libingang walang tanda kaya't tinutuntungan ng mga tao nang hindi nila namamalayan.” Sinabi sa kanya ng isa sa mga dalubhasa sa kautusang Judio, “Guro, sa sinabi ninyong iyan, pati kami'y kinukutya ninyo.” Sinagot naman siya ni Jesus, “Kahabag-habag din kayo, mga dalubhasa sa kautusan! Pinagpapasan ninyo ng mabibigat na dalahin ang mga tao, ngunit ni daliri ay ayaw ninyong igalaw upang matulungan sila. Kahabag-habag kayo! Ipinagpapatayo pa ninyo ng magagarang libingan ang mga propetang pinatay ng inyong mga ninuno. Sa gayon, kayo na rin ang nagpapatunay na sang-ayon kayo sa ginawa ng inyong mga ninuno, sapagkat sila ang pumatay sa mga propeta at kayo naman ang nagtatayo ng libingan ng mga ito. Dahil dito'y sinabi rin ng Karunungan ng Diyos, ‘Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol; ang ilan ay papatayin nila at ang iba nama'y uusigin.’ Sa gayon, pananagutan ninyong mga nabubuhay sa panahong ito ang pagpatay sa lahat ng mga propetang pinatay mula nang likhain ang daigdig, magmula kay Abel hanggang kay Zacarias na pinatay sa pagitan ng dambana at ng Templo. Oo, sinasabi ko sa inyo, kayong mga nabubuhay sa panahong ito, mananagot kayo sa kanilang pagkamatay. “Kahabag-habag kayo, mga dalubhasa sa kautusan! Sapagkat ipinagkakait ninyo ang susi ng kaalaman. Hindi na nga kayo pumapasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga ibang nais pumasok.” Pagkaalis ni Jesus sa lugar na iyon, nagsimula na siyang tuligsain ng mga tagapagturo ng Kautusan at Pariseo. Malimit nilang tanungin siya tungkol sa maraming bagay upang masilo siya sa pamamagitan ng kanyang pananalita. Samantala, dumaragsa ang libu libong tao, at sa sobrang dami ay nagkakatapakan na sila. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang ginagamit ng mga Pariseo; sila ay mga mapagkunwari. Walang natatago na di malalantad at walang nalilihim na di mabubunyag. Ang sinabi ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag at ang ibinulong ninyo sa loob ng silid ay ipagsisigawan sa lansangan. “Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan, huwag kayong matakot sa mga taong pumapatay ng katawan at wala nang kayang gawin maliban dito. Sasabihin ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan. Katakutan ninyo siya na pagkatapos pumatay ay may kapangyarihan ding magtapon sa impiyerno. Sinasabi ko sa inyo, ang Diyos ang dapat ninyong katakutan! “Hindi ba't ipinagbibili ang limang maya sa halaga lamang ng dalawang salaping tanso? Gayunman, kahit isa sa kanila'y hindi pinababayaan ng Diyos. Maging ang buhok ninyo'y bilang niyang lahat. Kaya't huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa mga maya.” “Sinasabi ko rin sa inyo, ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin din naman ng Anak ng Tao sa harapan ng mga anghel ng Diyos. Ngunit ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao ay ikakaila ko rin naman sa harap ng mga anghel ng Diyos. “Ang sinumang magsasalita laban sa Anak ng Tao ay mapapatawad, ngunit ang sinumang lumapastangan sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin. “Kapag kayo'y dinala nila sa sinagoga, o sa harap ng mga tagapamahala at ng mga may kapangyarihan upang litisin, huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili o kung ano ang inyong sasabihin sapagkat sa oras na iyon, ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo kung ano ang dapat ninyong sabihin.” Sinabi kay Jesus ng isa sa mga naroroon, “Guro, iutos nga po ninyo sa kapatid kong ibigay niya sa akin ang bahagi ko sa aming mana.” Sumagot siya, “Sino ang naglagay sa akin bilang hukom o tagapaghati ng mana ninyo?” At sinabi niya sa kanilang lahat, “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa dami ng kanyang kayamanan.” Pagkatapos, isinalaysay ni Jesus ang isang talinhaga. “Isang mayaman ang umani nang sagana sa kanyang bukirin. Kaya't nasabi niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko ngayon? Wala na akong paglagyan ng aking mga ani! Alam ko na! Ipagigiba ko ang aking mga kamalig at magpapatayo ako ng mas malalaki. Doon ko ilalagay ang aking ani at ibang ari-arian. Pagkatapos, ay sasabihin ko sa aking sarili, marami ka nang naipon para sa mahabang panahon. Kaya't magpahinga ka na lamang, kumain, uminom, at magpasarap sa buhay!’ “Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabi ring ito'y babawian ka na ng buhay. Kanino ngayon mapupunta ang mga inilaan mo para sa iyong sarili?’ Ganyan ang sasapitin ng sinumang nag-iipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.” Sinabi pa ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kaya't sinasabi ko sa inyo: huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong pagkain para mabuhay o tungkol sa damit na ibibihis sa inyong katawan, sapagkat ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit. Tingnan ninyo ang mga uwak, hindi sila nagtatanim ni umaani man; wala rin silang bodega o kamalig; ngunit pinapakain sila ng Diyos. Higit kayong mahalaga kaysa mga ibon! Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng pangangamba? Kung hindi ninyo magawâ ang ganoong kaliit na bagay, bakit kayo nangangamba tungkol sa ibang mga bagay? Tingnan ninyo ang mga bulaklak sa parang at unawain kung paano sila lumalago. Hindi sila nagtatrabaho ni humahabi man. Ngunit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon, sa kabila ng kanyang kayamanan, ay hindi nakapagdamit ng kasingganda ng isa sa kanila. Kung dinaramtan ng Diyos ang mga damo sa parang na buháy ngayon at kinabukasa'y iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya sa kanya! Kaya't huwag kayong labis na mag-isip kung saan kayo kukuha ng kakainin at iinumin. Huwag na kayong mangamba. Ang mga bagay na ito ang pinagkakaabalahan ng mga taong di nananalig sa Diyos. Alam ng inyong Ama na kailangan ninyo ang lahat ng iyan. Subalit, pagsikapan muna nang higit sa lahat na kayo'y pagharian ng Diyos, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng inyong pangangailangan.” “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian. Ipagbili ninyo ang inyong ari-arian, at ipamahagi sa mga dukha ang pinagbilhan! Gumawa kayo ng mga sisidlang hindi naluluma at mag ipon kayo sa langit ng kayamanang hindi nawawala. Doo'y walang magnanakaw na pumapasok at insektong sumisira. Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan ay naroon din ang inyong puso.” “Maging handa kayong lagi at panatilihing maliwanag ang inyong mga ilawan. Tumulad kayo sa mga aliping naghihintay sa pag-uwi ng kanilang panginoon buhat sa kasalan, upang kung ito'y dumating at kumatok ay mabuksan nila agad ang pinto. Mapalad ang mga aliping aabutang nagbabantay pagdating ng kanilang panginoon. Tandaan ninyo: magbibihis siya at pauupuin sila, ipaghahanda sila ng pagkain at pagsisilbihan. Mapalad sila kung maratnan silang handa pagdating ng Panginoon, maging sa hatinggabi o sa madaling-araw man. Sinasabi ko sa inyo, kung alam lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya pababayaang makapasok ito. Kayo man ay dapat na humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo nalalaman.” Nagtanong si Pedro, “Panginoon, sinasabi po ba ninyo ang talinhagang ito para sa amin o para sa lahat?” Sumagot ang Panginoon, “Sino nga ba ang tapat at matalinong katiwala? Sino ang katiwalang pamamahalain ng kanyang panginoon sa kanyang sambahayan upang magbigay sa ibang mga alipin ng kanilang pagkain sa takdang oras? Mapalad ang aliping madaratnang gumaganap ng tungkulin pag-uwi ng kanyang panginoon. Sinasabi ko sa inyo, pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng ari-arian nito. Ngunit kung sasabihin ng aliping iyon sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang pag-uwi ng aking panginoon,’ at dahil dito'y pagmamalupitan niya ang mga kapwa niya aliping lalaki at babae, at siya'y kakain, iinom at maglalasing. Darating ang kanyang panginoon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Buong lupit siyang paparusahan ng kanyang panginoon, at isasama sa mga suwail. “Ang aliping nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon ngunit nagpapabaya, o ayaw tumupad sa ipinapagawa nito ay paparusahan nang mabigat. Ngunit ang aliping hindi nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon, magkulang man siya sa kanyang tungkulin, ay paparusahan lamang nang magaan. Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng maraming bagay; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin ng lalong maraming bagay.” “Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa at sana'y nagliliyab na ito! May isang bautismo na dapat kong danasin, at ako'y nababagabag hangga't hindi ito nagaganap. Akala ba ninyo'y naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, hindi kapayapaan ang dala ko kundi pagkabaha-bahagi. Mula ngayon, ang lima sa isang sambahayan ay mahahati, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo. Ang ama laban sa anak na lalaki, at ang anak na lalaki laban sa ama; ang ina laban sa anak na babae, at ang anak na babae laban sa ina; ang biyenang babae laban sa manugang na babae, at ang manugang na babae laban sa biyenang babae.” Sinabi rin ni Jesus sa mga tao, “Kapag nakita ninyong kumakapal ang ulap sa kanluran, sinasabi ninyong uulan, at ganoon nga ang nangyayari. At kung umiihip ang hangin mula sa katimugan ay sinasabi ninyong iinit, at nagkakaganoon nga. Mga mapagkunwari! Marunong kayong umunawa ng palatandaan sa lupa at sa langit, bakit hindi ninyo nauunawaan ang mga tanda ng kasalukuyang panahon?” “Bakit hindi ninyo mapagpasyahan kung ano ang dapat ninyong gawin? Kapag ikaw ay isinakdal, sikapin mong makipagkasundo habang may panahon; baka kaladkarin ka niya sa hukuman, at ipag-utos ng hukom na ikaw ay ibilanggo. Sinasabi ko sa iyo, hindi ka makakalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.” Dumating noon ang ilang tao at ibinalita kay Jesus na ipinapatay ni Pilato ang ilang mga taga-Galilea habang ang mga ito'y naghahandog sa Diyos. Sinabi niya sa kanila, “Akala ba ninyo, dahil sa sinapit nilang iyon, higit silang masama kaysa sa ibang mga taga-Galilea? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong lahat. At ang labing-walong namatay nang mabagsakan ng tore sa Siloe, sa akala ba ninyo'y higit silang makasalanan kaysa sa ibang naninirahan sa Jerusalem? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong tulad nila.” Sinabi pa sa kanila ni Jesus ang talinhagang ito. “May isang taong may tanim na puno ng igos sa kanyang ubasan. Minsan, tiningnan niya kung may bunga ang puno, ngunit wala siyang nakita. Dahil dito, sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tatlong taon na akong pumaparito at naghahanap ng bunga sa punong ito, ngunit wala akong makita. Putulin mo na't nakakasikip lang iyan!’ Ngunit sumagot ang tagapag-alaga, ‘Huwag po muna nating putulin ngayon. Huhukayan ko po ang palibot at lalagyan ng pataba, baka sakaling mamunga na sa susunod na taon. Kung hindi pa, saka po ninyo ipaputol.’” Isang Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay nagtuturo sa isang sinagoga. May isang babae roon na labing-walong taon nang may karamdamang sanhi ng isang masamang espiritu. Siya'y nakukuba at hindi na makaunat. Nang siya'y makita ni Jesus, tinawag siya at sinabi, “Magaling ka na sa iyong karamdaman.” Ipinatong ni Jesus ang kanyang mga kamay sa babae, at noon di'y naibalik ang dati niyang postura at nagsimula siyang magpuri sa Diyos. Ngunit nagalit ang tagapamahala ng sinagoga sapagkat nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pamamahinga. Kaya't sinabi nito sa mga tao, “May anim na araw na inilaan upang kayo'y magtrabaho. Sa mga araw na iyon kayo pumarito upang magpagaling ng mga sakit at huwag sa Araw ng Pamamahinga.” Sinagot siya ng Panginoon, “Mga mapagkunwari! Hindi ba't kinakalag ninyo sa sabsaban ang inyong baka o asno at dinadala sa painuman kahit sa Araw ng Pamamahinga? Ang anak na ito ni Abraham ay ginapos ni Satanas sa loob ng labing-walong taon. Hindi ba dapat siyang kalagan kahit na sa Araw ng Pamamahinga?” Napahiya ang lahat ng kumakalaban kay Jesus dahil sa isinagot niya. Natuwa naman ang mga tao dahil sa lahat ng mga kahanga-hangang bagay na ginawa niya. Sinabi ni Jesus, “Ano ang katulad ng kaharian ng Diyos? Saan ko ito maihahambing? Ang katulad nito'y isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang halamanan. Ito'y lumaki hanggang sa maging isang punongkahoy, at ang mga ibon ay nagpupugad sa mga sanga nito.” Sinabi pa ni Jesus, “Saan ko ihahambing ang paghahari ng Diyos? Ito ay katulad ng pampaalsa na inihalo ng isang babae sa tatlong bakol na harina, kaya't umaalsa ang buong masa.” Nagpatuloy si Jesus sa kanyang paglalakbay, at siya'y nagtuturo sa bawat bayan at nayon na kanyang dinaraanan papuntang Jerusalem. Minsan may nagtanong sa kanya, “Ginoo, kakaunti po ba ang maliligtas?” Sinabi niya sa kanila, “Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpupumilit pumasok ngunit hindi makakapasok. Kapag ang pinto ay isinara na ng pinuno ng sambahayan, magtitiis kayong nakatayo sa labas at katok nang katok. Sasabihin ninyo, ‘Panginoon, papasukin po ninyo kami.’ Ngunit sasabihin niya sa inyo, ‘Hindi ko kayo kilala!’ Sasabihin naman ninyo, ‘Kumain po kami at uminom na kasalo ninyo, at nagturo pa kayo sa aming mga lansangan.’ Sasagot naman siya, ‘Hindi ko kayo kilala! Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!’ Iiyak kayo at magngangalit ang mga ngipin kapag nakita ninyong nasa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac at Jacob, at ang lahat ng propeta, habang kayo nama'y ipinagtatabuyan! Darating ang mga tao buhat sa silangan at sa kanluran, sa hilaga at sa timog, at kakain sa handaan sa kaharian ng Diyos. Tunay ngang may nahuhuling mauuna, at may nauunang mahuhuli.” Dumating noon ang ilang Pariseo at sinabi nila kay Jesus, “Umalis na kayo rito dahil gusto kayong ipapatay ni Herodes.” Subalit sumagot siya, “Sabihin ninyo sa lalaking iyon na nagpapalayas pa ako ngayon ng mga demonyo at nagpapagaling ng mga maysakit. Gayundin ang gagawin ko bukas, at sa ikatlong araw ay tatapusin ko ang aking gawain. Ngunit dapat akong magpatuloy sa aking lakad ngayon, bukas, at sa makalawa, sapagkat hindi dapat mamatay sa labas ng Jerusalem ang isang propeta. “Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga isinugo ko sa iyo! Ilang beses kong sinikap na kupkupin ang iyong mga anak, gaya ng pag-aaruga ng isang inahin sa kanyang mga sisiw, ngunit ayaw mo. Kaya't pababayaan nang lubusan ang iyong Templo. Sinasabi ko sa iyo, hindi mo na ako makikita hanggang sa dumating ang oras na sasabihin mo, ‘Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!’” Isang Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay inanyayahang kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo, at binabantayan nilang mabuti ang kanyang mga kilos. Lumapit kay Jesus ang isang lalaking may manas. Kaya't tinanong niya ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa kautusang Judio, “Naaayon ba sa Kautusan ang magpagaling sa Araw ng Pamamahinga o hindi?” Ngunit hindi sila umimik, kaya't hinawakan ni Jesus ang maysakit, pinagaling ito at saka pinauwi. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Kung ang inyong anak o ang inyong baka ang nahulog sa balon, hindi ba't iaahon ninyo ito kaagad kahit Araw ng Pamamahinga?” Hindi sila nakasagot sa tanong na ito. Napansin ni Jesus na ang pinipili ng mga panauhin ay ang mga upuang pandangal. Kaya't sinabi niya ang talinhagang ito sa kanila. “Kapag inanyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang uupo agad sa upuang pandangal. Baka may inanyayahang mas marangal kaysa sa iyo. Baka lapitan ka ng nag-anyaya sa inyong dalawa at sabihin sa iyo, ‘Maaari bang ibigay mo ang upuang iyan sa taong ito?’ Sa gayon, mapapahiya ka at doon ka uupo sa pinakaabang upuan. Mabuti pa, kapag naanyayahan ka, doon ka muna maupo sa pinakaabang upuan. Kapag lumapit sa iyo ang nag-anyaya at kanyang sinabi, ‘Kaibigan, dito ka sa kabisera,’ mapaparangalan ka sa harap ng lahat ng mga panauhin. Sapagkat ang nagmamataas ay ibababâ, at ang nagpapakumbabá ay itataas.” Sinabi naman ni Jesus sa nag-anyaya sa kanya, “Kapag naghahanda ka ng isang salu-salo, huwag ang iyong mga kaibigan, mga kapatid, mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang aanyayahan mo, dahil aanyayahan ka rin nila at masusuklian na ang iyong ginawa. Subalit kapag ikaw ay maghahanda, anyayahan mo ang mga mahihirap, mga lumpo, mga pilay, at mga bulag. Kapag ganito ang ginawa mo, magiging mapalad ka, dahil hindi man nila masuklian ang ginawa mo, ang Diyos ang magbibigay sa iyo ng gantimpala sa muling pagkabuhay ng mga banal.” Narinig ito ng isa sa mga kasalo niya roon, at sinabi sa kanya, “Mapalad ang makakasalo sa hapag sa kaharian ng Diyos!” Sumagot si Jesus, “Isang lalaki ang naghanda ng isang malaking salu-salo, at marami siyang inanyayahan. Nang dumating ang oras ng handaan, inutusan niya ang kanyang mga alipin at ipinasabi sa mga inanyayahan, ‘Halina kayo, handa na ang lahat!’ Ngunit nagdahilan silang lahat. Ang sabi ng una, ‘Nakabili ako ng bukid at kailangan ko itong puntahan. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.’ Sinabi naman ng isa, ‘Nakabili ako ng limang pares ng kalabaw at kailangang masubukan ko sa bukid ang mga iyon. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.’ Sinabi naman ng isa, ‘Ako'y bagong kasal, kaya't hindi ako makakadalo.’ “Bumalik ang alipin at ibinalita ito sa kanyang panginoon. Nagalit ang panginoon at sinabi sa alipin, ‘Magmadali kang pumunta sa mga lansangan at sa makikipot na daan ng lunsod at isama mo rito ang mga mahihirap, mga lumpo, mga bulag, at mga pilay.’ At sinabi ng alipin, ‘Panginoon, nagawa ko na po ang iniutos ninyo, ngunit marami pang bakanteng upuan.’ Kaya't sinabi ng panginoon sa alipin, ‘Pumunta ka sa mga lansangan at sa mga daan, at pilitin mong pumarito ang sinumang makita mo upang mapuno ang aking bahay. Sinasabi ko sa inyo, isa man sa mga unang inanyayahan ay hindi makakatikim ng aking handa!’” Sumama kay Jesus ang napakaraming tao; humarap siya sa kanila at kanyang sinabi, “Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin. Ang ayaw magpasan ng sarili niyang krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko. “Kung ang isa sa inyo'y nagbabalak na magtayo ng tore, hindi ba siya uupo muna upang magplano at kuwentahin kung magkano ang magagastos niya upang matiyak kung may sapat siyang pera para maipatapos ang kanyang ipapatayo? Baka matapos mailagay ang mga pundasyon ay hindi naman mayari ang tore. Siya'y kukutyain lamang ng lahat ng makakakita niyon. Sasabihin nila, ‘Ang taong ito'y nagsimulang magtayo ngunit hindi naman naipatapos.’ “O sinong hari na makikipagdigma sa kapwa hari ang hindi muna mauupo upang pag-aralang mabuti kung ang sampung libong kawal niya ay maisasagupa sa kalaban na may dalawampung libong kawal? At kung hindi niya kaya, malayo pa ang kalaban ay magsusugo na siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo. Gayundin naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman kung hindi niya tatalikuran ang lahat sa kanyang buhay. “Mabuti ang asin, ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Wala itong kabutihang maibibigay sa lupa, o kahit sa tambakan man ng dumi, kaya't ito'y itinatapon na lamang. Makinig ang may pandinig!” Isang araw, ang mga maniningil ng buwis at ang mga makasalanan ay lumapit kay Jesus upang makinig. Nagbulung-bulungan naman ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila, “Ang taong ito'y nakikisama sa mga makasalanan at nakikisalo sa mga ito.” Dahil dito, sinabi sa kanila ni Jesus ang talinhagang ito. “Kung ang sinuman sa inyo ay may isandaang tupa at mawalan ng isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't iiwan niya ang siyamnapu't siyam sa pastulan at hahanapin ang nawawala hanggang sa ito'y matagpuan? Kapag nakita na niya ang tupa ay masaya niya itong papasanin. Pagdating sa bahay, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin dahil nakita ko na ang tupa kong nawawala!’ Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan kaysa siyamnapu't siyam na matuwid na di nangangailangang magsisi.” “O kaya, kung ang isang babae ay may sampung salaping pilak at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't magsisindi siya ng ilawan, wawalisan ang buong bahay at hahanaping mabuti ang nawawalang salapi hanggang sa ito'y kanyang makita? Kapag nakita na niya ito, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nakita ko na ang nawawala kong salaping pilak!’ Sinasabi ko sa inyo, gayundin ang kagalakan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan.” Sinabi pa ni Jesus, “May isang tao na may dalawang anak na lalaki. Sinabi sa kanya ng bunso, ‘Ama, ibigay na po ninyo sa akin ang mamanahin ko.’ At hinati nga ng ama ang kanyang ari-arian. Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang kanyang kaparte at nagpunta siya sa malayong lupain. Nilustay niya roon sa pamamagitan ng mga bisyo ang lahat niyang kayamanan. Nang maubos na ito, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon, kaya't siya'y nagsimulang maghirap. Namasukan siya sa isang tagaroon, at siya'y pinagtrabaho nito sa isang babuyan. Sa tindi ng kanyang gutom, at dahil sa wala namang nagbibigay sa kanya ng pagkain, halos kainin na niya ang mga bungangkahoy na kinakain ng mga baboy. Ngunit napag-isip-isip niya ang kanyang ginawa at nasabi niya sa sarili, ‘Labis-labis ang pagkain ng mga alila ng aking ama, samantalang ako'y namamatay dito sa gutom! Babalik ako sa aking ama at sasabihin ko sa kanya, “Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga alila.”’ At siya'y nagpasyang umuwi sa kanila. “Malayo pa'y natanaw na siya ng kanyang ama, at dahil sa matinding awa ay patakbo siyang sinalubong, niyakap, at hinalikan. Sinabi ng anak, ‘Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo.’ Ngunit tinawag ng ama ang kanyang mga alila, ‘Madali! Kunin ninyo ang pinakamagandang damit at bihisan ninyo siya. Suotan ninyo siya ng singsing at bigyan ninyo siya ng sandalyas. Katayin ninyo ang pinatabang guya at tayo'y magdiwang. Sapagkat ang anak kong ito ay namatay na, ngunit siya ay nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.’ At sila nga'y nagdiwang.” “Nasa bukid noon ang anak na panganay. Nang umuwi ito at malapit na sa bahay, narinig nito ang tugtugan at sayawan. Tinawag niya ang isang utusan at tinanong, ‘Bakit? Ano'ng mayroon sa atin?’ ‘Dumating po ang inyong kapatid!’ sagot ng alila. ‘Ipinapatay po ng inyong ama ang pinatabang guya dahil ang inyong kapatid ay nakabalik nang buháy at walang sakit.’ Nagalit ang panganay at ayaw niyang pumasok sa bahay. Pinuntahan siya ng kanyang ama at pinakiusapan. Ngunit sumagot siya, ‘Pinaglilingkuran ko kayo sa loob ng maraming taon at kailanma'y hindi ko kayo sinuway. Ngunit ni minsa'y hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang maliit na kambing para magkatuwaan kami ng aking mga kaibigan. Subalit nang dumating ang anak ninyong ito, na lumustay ng inyong kayamanan sa masasamang babae, ipinagpatay pa ninyo siya ng pinatabang guya!’ Sumagot ang ama, ‘Anak, lagi kitang kapiling at ang lahat ng aking ari-arian ay sa iyo. Nararapat lang na tayo'y magsaya at magdiwang, sapagkat patay na ang kapatid mo, ngunit nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.’” Nagsalita uli si Jesus sa kanyang mga alagad, “May taong mayaman na may isang katiwala. May nagsumbong sa kanyang nilulustay nito ang kanyang ari-arian. Kaya't ipinatawag niya ang katiwala at tinanong, ‘Ano ba itong naririnig ko tungkol sa iyo? Ihanda mo ang ulat ng iyong pangangasiwa sapagkat tatanggalin na kita sa iyong tungkulin.’ Sinabi ng katiwala sa kanyang sarili, ‘Ano ang gagawin ko? Aalisin na ako ng aking amo sa pangangasiwa. Hindi ko kayang magbungkal ng lupa; nahihiya naman akong magpalimos. Alam ko na ang aking gagawin! Maalis man ako sa pangangasiwa ay may tatanggap naman sa akin sa kanilang tahanan.’ Isa-isa niyang tinawag ang mga may utang sa kanyang amo. Tinanong niya ang una, ‘Magkano ang utang mo sa aking amo?’ Sumagot ito, ‘Isandaang tapayang langis po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang. Dali! Maupo ka't palitan mo, gawin mong limampu,’ sabi ng katiwala. At tinanong naman niya ang isa, ‘Ikaw, gaano ang utang mo?’ Sumagot ito, ‘Isandaang kabang trigo po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang,’ sabi niya. ‘Isulat mo, walumpu.’ Pinuri ng amo ang tusong katiwala dahil sa katalinuhang ipinamalas nito. Sapagkat ang mga makasanlibutan ay mas mahusay gumawa ng paraan kaysa mga maka-Diyos sa paggamit ng mga bagay ng mundong ito.” At nagpatuloy si Jesus sa pagsasalita, “Kaya't sinasabi ko sa inyo, gamitin ninyo ang kayamanan ng mundong ito sa paggawa ng mabuti sa inyong mga kapwa upang kung maubos na iyon ay tanggapin naman kayo sa tahanang walang hanggan. Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang mandaraya sa maliit na bagay ay mandaraya rin sa malaking bagay. Kaya kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga kayamanan ng mundong ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? At kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng talagang para sa inyo? “Walang aliping maaaring maglingkod ng sabay sa dalawang panginoon sapagkat kamumuhian niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod ng sabay sa Diyos at sa kayamanan.” Nang marinig ito ng mga Pariseo, kinutya nila si Jesus sapagkat sakim sila sa salapi. Kaya't sinabi niya sa kanila, “Nagpapanggap kayong matuwid sa harap ng mga tao, ngunit alam ng Diyos ang nilalaman ng inyong mga puso. Sapagkat ang itinuturing na mahalaga ng mga tao ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos. “Ang Kautusan ni Moises at ang sinulat ng mga propeta ay may bisa hanggang sa pagdating ni Juan na Tagapagbautismo. Buhat noon ay ipinapangaral na ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos, at ang lahat ay nagpipilit na makapasok dito. Mas madali pang maglaho ang langit at ang lupa kaysa mawalan ng bisa ang kaliit-liitang titik ng Kautusan. “Kapag pinalayas at hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa, at mag-asawa sa iba, siya ay nagkakasala ng pangangalunya, at ang mag-aasawa naman sa babaing pinalayas at hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya.” “May isang mayamang laging nagdaramit ng mamahalin at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. May isa namang pulubing nagngangalang Lazaro na tadtad ng sugat sa katawan at nakahiga sa may pintuan ng mayaman sa hangad na matapunan man lamang ng mga mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo'y nilalapitan siya ng mga aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat. Namatay ang pulubi at siya'y dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham sa langit bilang isang parangal. Namatay rin ang mayaman at inilibing. Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa daigdig ng mga patay, natanaw ng mayaman si Lazaro sa piling ni Abraham. Kaya't sumigaw siya, ‘Amang Abraham, maawa po kayo sa akin. Utusan po ninyo si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at basain ang aking dila, dahil ako'y naghihirap sa apoy na ito.’ Ngunit sumagot si Abraham, ‘Anak, alalahanin mong nagpasasa ka sa buhay noong ikaw ay nasa lupa, at si Lazaro naman ay nagtiis ng kahirapan. Subalit ngayon ay maligaya siya rito samantalang ikaw nama'y nagdurusa riyan. Bukod dito, may malaking bangin sa pagitan natin, kaya't ang mga naririto ay hindi makakapunta diyan at ang mga naririyan ay hindi makakapunta rito.’ “Ngunit sinabi ng mayaman, ‘Kung gayon po, Amang Abraham, ipinapakiusap ko pong papuntahin na lamang ninyo si Lazaro sa bahay ng aking ama, sa aking limang kapatid na lalaki. Suguin po ninyo siya upang sila'y bigyang-babala upang hindi sila humantong sa dakong ito ng pagdurusa.’ Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Nasa kanila ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta; iyon ang kanilang sundin.’ Sumagot ang mayaman, ‘Hindi po sapat ang mga iyon. Ngunit kung magpapakita sa kanila ang isang patay na muling nabuhay, magsisisi sila't tatalikuran ang kanilang mga kasalanan.’ Sinabi naman sa kanya ni Abraham, ‘Kung ayaw nilang sundin ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay na muling nabuhay.’” Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Siguradong darating ang mga sanhi ng pagkakasala; ngunit kakila-kilabot ang sasapitin ng taong panggagalingan niyon! Mabuti pa sa kanya ang bitinan sa leeg ng isang gilingang-bato at itapon sa dagat, kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng sinuman sa mga maliliit na ito. Kaya't mag ingat kayo! “Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, pagsabihan mo; at kung siya'y magsisi, patawarin mo. Kung pitong ulit siyang magkasala sa iyo sa maghapon, at pitong ulit ding lumapit sa iyo at sabihin niyang, ‘Nagsisisi ako,’ kailangang patawarin mo siya.” Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan po ninyo ang aming pananampalataya!” Tumugon ang Panginoon, “Kung ang inyong pananampalataya ay maging sinlaki ng butil ng mustasa, masasabi ninyo sa punong ito ng sikamoro, ‘Mabunot ka at matanim sa dagat!’ at susundin kayo nito.” “Sino sa inyo ang magsasabi sa kanyang aliping kagagaling sa pag-aararo o pagpapastol ng mga tupa sa bukid, ‘Halika, at kumain ka na’? Hindi ba't ang sasabihin ninyo ay, ‘Ipaghanda mo ako ng hapunan, magbihis ka, at pagsilbihan mo ako habang ako'y kumakain. Pagkakain ko, saka ka kumain.’ Pinasasalamatan ba ng amo ang kanyang alipin dahil sinusunod siya nito? Ganoon din naman kayo; kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniuutos sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kami'y mga aliping walang kabuluhan; tumutupad lamang kami sa aming tungkulin.’” Sa paglalakbay ni Jesus papuntang Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. Nang papasok na siya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung ketongin. Tumigil ang mga ito sa may kalayuan at sumigaw, “Jesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!” Pagkakita sa kanila ay sinabi ni Jesus, “Lumakad na kayo at magpatingin sa mga pari.” Habang sila'y naglalakad, silang lahat ay gumaling at luminis. Nang mapuna ng isa na siya'y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos. Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus at nagpasalamat. Ang taong ito'y isang Samaritano. “Hindi ba't sampu ang aking pinagaling at nilinis?” tanong ni Jesus. “Nasaan ang siyam? Wala bang nagbalik upang magpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tumayo ka na at umuwi. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Minsan, si Jesus ay tinanong ng mga Pariseo kung kailan magsisimula ang paghahari ng Diyos. Sumagot siya, “Walang makikitang palatandaan ng pagsisimula ng paghahari ng Diyos, at wala ring magsasabing nagsimula na ito dito o doon. Sapagkat ang totoo'y naghahari na ang Diyos sa inyo.” At sinabi niya sa mga alagad, “Darating ang panahon na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao, ngunit hindi ninyo ito makikita. May magsasabi sa inyo, ‘Naroon siya!’ o, ‘Narito siya!’ Huwag kayong pumunta at huwag kayong maniniwala sa kanila. Sapagkat pagsapit ng takdang araw, ang Anak ng Tao ay darating na parang kidlat na nagliliwanag sa buong kalangitan sa isang iglap. Ngunit kailangan munang magdanas siya ng maraming hirap at itakwil ng mga tao sa panahong ito. Ang pagparito ng Anak ng Tao ay matutulad sa nangyari noong kapanahunan ni Noe. Ang mga tao noo'y nagsisikain, nagsisiinom at nagsisipag-asawa hanggang sa araw na sumakay si Noe sa barko. Dumating ang baha at namatay silang lahat. Gayundin ang nangyari noong panahon ni Lot. Ang mga tao'y nagsisikain, nagsisiinom, bumibili, nagtitinda, nagtatanim at nagtatayo ng bahay. Ngunit nang araw na umalis si Lot sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre at natupok silang lahat. Ganoon din ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao. “Sa araw na iyon, ang nasa bubungan ay huwag nang bumabâ pa upang kunin ang kanyang mga kasangkapan sa loob ng bahay, at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi pa. Alalahanin ninyo ang nangyari sa asawa ni Lot. Ang sinumang magsikap na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay ay siyang makakapagligtas nito. Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon, may dalawang taong nasa isang higaan; kukunin ang isa at iiwan ang isa. “Saan po, Panginoon?” tanong ng kanyang mga alagad. Sumagot siya, “Kung saan may bangkay, doon nagkakatipon ang mga buwitre.” Isinalaysay ni Jesus ang isang talinhaga upang ituro sa kanila na dapat silang laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa. Sinabi niya, “Sa isang lunsod ay may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao. Sa lunsod ding iyon ay may isang biyuda. Lagi siyang pumupunta sa hukom at sinasabi, ‘Bigyan po ninyo ako ng katarungan sa aking usapin.’ Tinanggihan siya ng hukom sa loob ng mahabang panahon, ngunit nang magtagal ay sinabi ng hukom sa sarili, ‘Kahit ako'y walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao, ibibigay ko na ang katarungang hinihingi ng biyudang ito, sapagkat lagi niya akong ginagambala at baka mainis pa ako sa kapupunta niya rito.’” At nagpatuloy ang Panginoon, “Pakinggan ninyo ang sabi ng masamang hukom na iyon. Ngayon, ipagkakait kaya ng Diyos ang katarungan sa mga minamahal niya na dumaraing sa kanya araw-gabi? Sila kaya'y paghihintayin niya nang matagal? Sinasabi ko sa inyo, agad niyang ibibigay sa kanila ang katarungan. Ngunit sa pagbabalik ng Anak ng Tao sa daigdig na ito, may makikita pa kaya siyang mga taong sumasampalataya sa kanya?” Sinabi rin niya ang talinhagang ito sa mga taong mababa ang tingin sa iba at nag-aakalang sila'y matuwid. “May dalawang lalaking pumasok sa Templo upang manalangin, ang isa ay Pariseo at ang isa ay maniningil ng buwis. Tumayo ang Pariseo at nanalangin nang ganito tungkol sa kanyang sarili: ‘O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat hindi ako katulad ng iba na mga magnanakaw, mandaraya, mangangalunya, o kaya'y katulad ng maniningil ng buwis na ito. Dalawang beses akong nag-aayuno sa loob ng sanlinggo at nagbibigay rin ako ng ikasampung bahagi mula sa lahat ng aking kinikita.’ Samantala, ang maniningil ng buwis nama'y nakatayo sa malayo at di man lamang makatingin sa langit. Dinadagukan niya ang kanyang dibdib at sinasabi, ‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!’ Sinasabi ko sa inyo, ang lalaking ito'y umuwing pinatawad sa kanyang mga kasalanan, ngunit ang una ay hindi. Sapagkat ang sinumang nagmamataas ay ibababâ at ang nagpapakumbabá ay itataas.” Inilalapit ng mga tao kay Jesus pati ang kanilang mga sanggol upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay. Nang ito'y makita ng mga alagad, pinagalitan nila ang mga tao. Ngunit tinawag ni Jesus ang mga alagad at sinabihang, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng Diyos. Tandaan ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa paghahari ng Diyos gaya ng isang bata ay hinding-hindi paghaharian ng Diyos.” May isang pinuno ng bayan na nagtanong kay Jesus, “Mabuting Guro, ano po ba ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?” Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Ang Diyos lamang ang mabuti! Alam mo ang mga utos, ‘Huwag kang mangangalunya; huwag kang papatay; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; at igalang mo ang iyong ama at ina.’” Sinabi ng lalaki, “Ang lahat pong iyan ay tinutupad ko na mula pa sa pagkabata.” Pagkarinig nito ay sinabi ni Jesus, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi sa mga mahihirap ang pinagbilhan, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos ay bumalik ka, at sumunod ka sa akin.” Nalungkot ang lalaki nang marinig iyon, sapagkat siya'y napakayaman. Nakita ni Jesus na nalulungkot ang lalaki kaya't sinabi niya, “Napakahirap para sa mga mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos! Mas madali pang makaraan sa butas ng karayom ang isang kamelyo kaysa makapasok sa kaharian ng Diyos ang isang mayaman.” Nagtanong ang mga naroong nakikinig, “Kung gayon, sino pa kaya ang maliligtas?” “Ang mga bagay na hindi kayang gawin ng tao ay kayang gawin ng Diyos,” tugon ni Jesus. Nagsalita naman si Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan na po namin ang aming tahanan at sumunod sa inyo.” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tandaan ninyo: kapag iniwan ninuman ang kanyang tahanan, asawa, mga kapatid, mga magulang, o mga anak alang-alang sa kaharian ng Diyos, tatanggap siya ng higit pa sa buhay na ito. At sa panahong darating, tatanggap pa siya ng buhay na walang hanggan.” Ibinukod ni Jesus ang Labindalawa at sinabi sa kanila, “Pupunta tayo sa Jerusalem at doo'y matutupad ang lahat ng isinulat ng mga propeta tungkol sa Anak ng Tao. Siya'y ibibigay sa kamay ng mga Hentil; kukutyain, hahamakin, at duduraan. Siya'y hahagupitin at papatayin, ngunit sa ikatlong araw ay muli siyang mabubuhay.” Subalit ang Labindalawa ay walang naunawaan sa kanilang narinig; hindi nila makuha ang kahulugan niyon, at hindi rin nila naintindihan ang sinasabi ni Jesus. Nang malapit na si Jesus sa Jerico; may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan at nagpapalimos. Nang marinig niyang nagdaraan ang maraming tao, itinanong niya kung ano ang nangyayari. “Nagdaraan si Jesus na taga-Nazaret,” sabi nila sa kanya. At siya'y sumigaw, “Jesus, Anak ni David! Mahabag po kayo sa akin!” Pinapatigil siya ng mga taong nasa unahan, ngunit lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” Tumigil si Jesus at ipinatawag ang bulag. Paglapit ng bulag ay tinanong siya ni Jesus, “Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?” “Panginoon, gusto ko po sanang makakitang muli,” sagot niya. At sinabi ni Jesus, “Mangyayari ang nais mo! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Noon di'y nakakita ang bulag at sumunod kay Jesus na nagpuri sa Diyos. Nang makita ito ng mga tao, silang lahat ay nagpuri sa Diyos. Pumasok si Jesus sa Jerico at naglakad sa kabayanan. May isang tao roong ang pangalan ay Zaqueo, isang pinuno ng mga maniningil ng buwis at napakayaman. Sinisikap niyang makita si Jesus upang makilala kung sino ito, ngunit sa dami ng tao, hindi niya ito makita dahil sa siya'y pandak. Kaya't patakbo siyang nauna sa dadaanan ni Jesus at umakyat sa isang puno ng sikamoro. Pagtapat ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya kay Zaqueo at sinabi, “Zaqueo, bumabâ ka agad sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa iyong bahay.” Nagmamadaling bumabâ si Zaqueo, at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus sa kanyang bahay. Lahat ng nakakita nito ay nagbulung-bulungan. “Nakikituloy siya sa isang makasalanan,” sabi nila. Tumayo si Zaqueo at sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, ipamimigay ko po sa mga mahihirap ang kalahati ng aking mga kayamanan. At kung ako'y may nadayang sinuman, isasauli ko ito sa kanya ng maka-apat na beses.” At sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang kaligtasan ay dumating ngayon sa sambahayang ito sapagkat anak din ni Abraham ang taong ito. Ang Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naligaw.” Habang ang mga tao ay nakikinig, isinalaysay din ni Jesus sa kanila ang isa pang talinhaga. Si Jesus ay malapit na noon sa Jerusalem at inakala ng mga tao na magsisimula na ang paghahari ng Diyos. Kaya't sinabi niya, “May isang maharlikang pumunta sa malayong lupain upang ito'y gawing hari, at pagkatapos nito, siya ay babalik. Subalit bago siya umalis, tinawag niya ang sampu sa kanyang mga alipin at binigyan ang mga ito ng tig-iisang gintong salapi. Sinabi niya sa kanila, ‘Ipangalakal ninyo iyan hanggang sa aking pagbabalik.’ Ngunit galit sa kanya ang kanyang mga nasasakupan, kaya't nagsugo sila ng kinatawan upang sabihin sa kinauukulan, ‘Ayaw naming maghari sa amin ang taong iyon.’ Gayunpaman ay ginawa rin siyang hari. “Nang makabalik na siya at nagsimulang maghari, ipinatawag niya ang mga aliping binigyan ng gintong salapi, upang malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa. Lumapit sa kanya ang una at ganito ang sinabi, ‘Panginoon, ang isang gintong salaping ibinigay ninyo ay tumubo ng sampu.’ ‘Magaling,’ sagot niya. ‘Mabuting alipin! Dahil naging tapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, pamamahalain kita sa sampung lunsod.’ Lumapit naman ang ikalawa at ang sabi, ‘Panginoon, ang gintong salaping iniwan ninyo sa akin ay tumubo ng lima.’ At sinabi niya sa alipin, ‘Mamamahala ka sa limang lunsod.’ Lumapit ang isa pang alipin at ganito naman ang sinabi, ‘Panginoon, narito po ang inyong gintong salapi. Binalot ko po ito sa panyo at itinago. Natatakot po ako sa inyo dahil kayo'y napakahigpit; kinukuha ninyo ang hindi sa inyo at inaani ang hindi ninyo itinanim.’ Sinagot siya ng hari, ‘Masamang alipin! Sa salita mong iyan ay hahatulan kita. Alam mo palang ako'y mahigpit at sinasabi mo pang kinukuha ko ang hindi sa akin at inaani ko ang hindi ko itinanim. Bakit hindi mo na lamang idiniposito sa bangko ang aking salapi? May tinubo sana iyan bago ako dumating.’ At sinabi niya sa mga naroon, ‘Kunin ninyo sa kanya ang gintong salapi at ibigay sa may sampu.’ ‘Panginoon, siya po'y mayroon nang sampung gintong salapi,’ sabi nila. ‘Sinasabi ko sa inyo, ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa. Tungkol naman sa mga kaaway kong ayaw na ako'y maghari sa kanila, dalhin ninyo sila rito at patayin sa harap ko!’” Pagkasabi nito, nagpatuloy si Jesus papuntang Jerusalem. Nang malapit na siya sa Bethfage at Bethania, sa Bundok ng mga Olibo, pinauna niya ang dalawa sa kanyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon at matatagpuan ninyo roon ang isang batang asno na nakatali; hindi pa iyon nasasakyan ninuman. Kalagan ninyo at dalhin dito. Kapag may nagtanong kung bakit ninyo iyon kinakalagan, sabihin ninyong kailangan iyon ng Panginoon.” Lumakad nga ang mga inutusan at natagpuan nila ang asno, ayon sa sinabi ni Jesus. Habang kinakalagan nila ang batang asno, tinanong sila ng mga may-ari, “Bakit ninyo kinakalagan iyan?” “Kailangan po ito ng Panginoon,” tugon nila. Dinala nila kay Jesus ang asno, at matapos isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal, siya'y pinasakay nila. Habang siya'y nakasakay sa asno at naglalakbay papunta sa lunsod, inilalatag naman ng mga tao ang kanilang mga balabal sa kanyang dinaraanan. Nang siya'y malapit na sa lunsod, palusong na sa libis ng Bundok ng mga Olibo, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng alagad niya at malakas na nagpuri sa Diyos dahil sa mga kahanga-hangang pangyayaring kanilang nasaksihan. Sinabi nila, “Pinagpala ang haring dumarating sa pangalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit! Papuri sa Kataas-taasan!” Sinabi naman sa kanya ng ilang Pariseong kasama ng karamihan, “Guro, patigilin nga po ninyo ang inyong mga alagad.” Sumagot siya, “Sinasabi ko sa inyo, kapag tumahimik sila, ang mga bato na ang siyang sisigaw.” Nang malapit na siya sa Jerusalem at natatanaw na niya ang lunsod, ito'y kanyang tinangisan. Sinabi niya, “Kung nalalaman mo lamang sa araw na ito kung ano ang makakapagdulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit ito'y lingid ngayon sa iyong paningin. Darating ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, palilibutan ka nila at gigipitin sa kabi-kabila. Wawasakin ka nila at lilipulin ang lahat ng taong nasasakupan mo. Wala silang iiwanang magkapatong na bato sapagkat hindi mo pinansin ang pagdalaw sa iyo ng Diyos.” Pumasok si Jesus sa Templo at kanyang ipinagtabuyan ang mga nagtitinda roon. Sinabi niya sa kanila, “Nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan.’ Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw.” Araw-araw, si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo. Pinagsisikapan siyang ipapatay ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan. Subalit wala silang makitang paraan upang maisagawa ito dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan. Isang araw, habang si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo at nagpapahayag ng Magandang Balita, nilapitan siya ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan, kasama ang mga pinuno ng bayan. Sinabi nila sa kanya, “Sabihin mo nga sa amin kung ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng ganyang karapatan?” Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko muna kayo. Sabihin ninyo sa akin kung kanino galing ang karapatan ni Juan na magbautismo, sa Diyos ba o sa tao?” Kaya't nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating sa Diyos, sasabihin naman niya sa atin, ‘Bakit hindi kayo naniwala sa kanya?’ Subalit kung sasabihin naman nating mula sa tao, babatuhin tayo ng mga tao dahil naniniwala silang propeta si Juan.” Kaya't ang sagot na lamang nila'y, “Hindi namin alam!” Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagbigay sa akin ng karapatan upang gawin ang mga ito.” Nangaral muli siya sa mga tao at isinalaysay ang talinhagang ito. “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Iniwan niya iyon sa mga katiwala at siya'y nangibang-bayan sa loob ng mahabang panahon. Nang dumating ang panahon ng pitasan ng ubas, pinapunta niya sa ubasan ang isa niyang alipin upang kunin ang kanyang kaparte. Ngunit binugbog ng mga katiwala ang alipin at pinauwing walang dala. Nagsugo siyang muli ng isa pang alipin at ito rin ay binugbog, hinamak at pinauwing walang dala. Nagsugo pa siya ng ikatlo, subalit sinugatan din ito at ipinagtabuyan. Napag-isip-isip ng may-ari ng ubasan, ‘Ano kaya ang mabuti kong gawin? Mabuti pa yata'y ang minamahal kong anak ang papupuntahin ko. Tiyak na siya'y igagalang nila.’ Ngunit nang makita ng mga katiwala ang anak ng may-ari ng ubasan, nag-usap-usap sila at ang sabi, ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at nang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’ Siya'y inilabas nga nila sa ubasan at pinatay. “Ano kaya ang gagawin sa kanila ng may-ari ng ubasan?” tanong ni Jesus. “Pupunta siya roon at papatayin ang mga katiwalang iyon, at ipagkakatiwala niya sa iba ang ubasan.” Pagkarinig nito, sinabi ng mga tao, “Huwag nawa itong ipahintulot ng Diyos!” Tiningnan sila ni Jesus at tinanong, “Kung gayon, ano ang kahulugan ng talatang ito sa kasulatan, ‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong-panulukan’? Ang bumagsak sa batong ito ay magkakadurug-durog at ang mabagsakan nito'y magkakaluray-luray.” Tinangka ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga punong pari na dakpin si Jesus sa oras ding iyon sapagkat nahalata nilang sila ang pinapatamaan niya sa talinhaga, ngunit natakot sila sa mga tao. Kaya't naghintay sila ng magandang pagkakataon. Sinuhulan nila ang ilang katao upang magkunwaring naghahanap ng katotohanan. Ginawa nila ito upang siluin si Jesus sa kanyang pananalita, at nang sa gayon, maisasakdal siya sa gobernador. Sinabi ng mga espiya kay Jesus, “Guro, alam po naming totoo ang inyong sinasabi at itinuturo. Hindi kayo nagtatangi ng tao, kundi itinuturo ninyo nang buong katotohanan ang ibig ng Diyos na gawin ng tao. Dapat po ba tayong magbayad ng buwis sa Emperador, o hindi?” Alam ni Jesus ang kanilang masamang balak kaya't sinabi niya, “Iabot ninyo sa akin ang isang salaping pilak. Kanino ang larawan at ang pangalang nakatatak dito?” “Sa Emperador po,” tugon nila. Sinabi naman ni Jesus, “Kung gayon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Diyos ang para sa Diyos.” Nabigo sa harap ng madla ang hangarin nilang masilo siya sa kanyang pananalita. At hindi sila nakaimik dahil sa pagkagulat sa kanyang sagot. Ilang Saduseo naman ang lumapit kay Jesus. Ang mga ito ay nagtuturong hindi na muling mabubuhay ang mga patay. Sabi nila, “Guro, isinulat ni Moises para sa atin ang ganitong batas, ‘Kung mamatay ang kuya ng isang lalaki at ang asawa nito'y maiwang walang anak, siya ay dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.’ Minsan, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. Nagpakasal sa biyuda ang pangalawa, subalit ito'y namatay ding walang anak. Ganoon din ang nangyari sa pangatlo hanggang sa pampito; sila'y isa-isang napangasawa ng babae at pawang namatay na walang anak. Sa kahuli-hulihan po'y namatay naman ang babae. Ngayon, sa muling pagkabuhay, sino po sa pito ang kikilalaning asawa ng babae, yamang silang lahat ay napangasawa niya?” Sumagot si Jesus, “Sa buhay na ito, ang mga lalaki at mga babae ay nag-aasawa. Ngunit sa kabilang buhay, ang mga magiging karapat-dapat sa muling pagkabuhay ay hindi na mag-aasawa. Hindi na rin sila mamamatay sapagkat matutulad sila sa mga anghel. Sila'y mga anak ng Diyos dahil sila'y nakabilang sa mga muling binuhay. Maging si Moises ay nagpapatunay na muling binubuhay ang mga patay. Sapagkat sa kanyang kasaysayan tungkol sa nagliliyab na mababang puno, ang Panginoon ay tinawag niyang ‘Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.’ Kaya't ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buháy, sa kanya'y buháy ang lahat.” Sinabi ng ilan sa mga tagapagturo ng Kautusan, “Guro, maganda ang sagot ninyo!” At mula noon ay wala nang naglakas-loob na magtanong sa kanya. Si Jesus naman ang nagtanong sa kanila, “Paano nasasabi ng mga taong ang Cristo ay anak ni David? Si David na rin ang nagsabi sa Aklat ng mga Awit, ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, “Maupo ka sa kanan ko, hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”’ Ngayon, kung ‘Panginoon’ ang tawag ni David sa Cristo, bakit sinasabi ng mga taong siya'y anak ni David?” Habang nakikinig ang lahat kay Jesus, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan na mahilig lumakad nang may mahahabang kasuotan at gustung-gustong maparangalan sa mga liwasan. Mahilig silang umupo sa mga upuang pandangal sa sinagoga at ang mga upuang pandangal sa mga handaan. Hinuhuthot nila ang ari-arian ng mga biyuda at ang mahahaba nilang dasal ay mga pagkukunwari lamang. Dahil diyan, lalo pang bibigat ang parusang igagawad sa kanila.” Pinagmamasdan ni Jesus ang mayayamang may dalang mga handog sa Templo. Nakita rin niya ang isang mahirap na biyudang naghulog ng dalawang tigsisingkwenta sentimo. Sinabi niya sa mga alagad, “Ang inihandog ng mahirap na biyudang iyon ay higit pa sa inihandog nilang lahat. Ang inilagay nila ay bahagi lamang ng labis na sa kanila, ngunit ang kanyang ibinigay ay ang buo niyang ikabubuhay.” May ilang tao namang nag-uusap tungkol sa Templo. Pinag-uusapan nila ang naglalakihan at magagandang batong ginamit dito at ang mga palamuting inihandog ng mga tao. Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Darating ang panahon na ang lahat ng nakikita ninyong iyan ay iguguho, at walang matitirang magkakapatong na mga bato.” Tinanong nila si Jesus, “Guro, kailan po mangyayari iyon? At ano ang magiging palatandaang iyon ay magaganap na?” Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ninuman! Marami ang darating sa aking pangalan at magsasabi, ‘Ako ang Cristo,’ at, ‘Dumating na ang panahon!’ Huwag kayong maniniwala sa kanila. Huwag kayong mababagabag kung makabalita man kayo ng mga digmaan at mga rebelyon. Dapat munang mangyari ang mga iyon subalit hindi darating kaagad ang wakas.” At sinabi pa niya, “Maglalaban-laban ang mga bansa at magdidigmaan ang mga kaharian. Magkakaroon ng malalakas na lindol, taggutom at mga salot sa iba't ibang dako. May lilitaw na mga kakila-kilabot na bagay at mga kamangha-manghang kababalaghan buhat sa langit. “Ngunit bago mangyari ang lahat ng ito, kayo'y dadakpin at uusigin. Kayo'y lilitisin sa mga sinagoga at ipabibilanggo. At dahil sa pagsunod ninyo sa akin, isasakdal kayo sa harap ng mga hari at mga gobernador. Iyon ang pagkakataon ninyo upang makapagpatotoo tungkol sa akin. Ipanatag ninyo ang inyong kalooban at huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili, sapagkat bibigyan ko kayo ng katalinuhan at ng pananalitang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway. Ipagkakanulo kayo ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan; at ipapapatay nila ang ilan sa inyo. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, ngunit hindi kayo malalagasan kahit isang hibla ng buhok. Sa inyong pagtitiis ay maililigtas ninyo ang inyong buhay.” “Kapag nakita ninyong napapaligiran na ng mga hukbo ang Jerusalem, tandaan ninyo, malapit na ang pagkawasak nito. Ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan, ang mga nasa bayan ay dapat nang lumabas, at ang mga nasa bukid ay huwag nang pumasok sa bayan. Sapagkat iyon ang mga araw ng pagpaparusa bilang katuparan ng mga sinasabi sa Kasulatan. Kawawa ang mga nagdadalang-tao at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil magkakaroon ng malaking kapighatian sa lupaing ito bilang pagpaparusa ng Diyos sa bansang ito. Mamamatay sila sa tabak, at ang iba'y dadalhing-bihag sa lahat ng bansa. Ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga Hentil hanggang sa matapos ang panahong itinakda sa kanila.” “Magkakaroon ng mga palatandaan sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat. Ang mga tao'y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga kapahamakang darating sa sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga kapangyarihan sa langit. Sa panahong iyon, makikita nila ang Anak ng Taong dumarating na nasa alapaap, at may kapangyarihan at dakilang karangalan. Kapag nagsimula nang mangyari ang mga ito, magalak kayo sapagkat malapit na ang inyong katubusan.” At sinabi sa kanila ni Jesus ang isang talinhaga, “Tingnan ninyo ang puno ng igos at iba pang punongkahoy. Kapag nagkakadahon na ito, alam ninyong malapit na ang tag-araw. Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga sinabi ko, malalaman ninyong malapit na ang paghahari ng Diyos. Tandaan ninyo: magaganap ang lahat ng ito bago mamatay ang lahat ng taong nabubuhay sa salinlahing ito. Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga salita ay mananatili magpakailanman.” “Ang katakawan, paglalasing at kabalisahan sa buhay na ito ay alisin ninyo sa inyong isip. Mag-ingat kayo at baka bigla kayong abutan ng Araw na iyon na tulad ng isang bitag. Sapagkat darating ang Araw na iyon sa lahat ng tao. Kaya't maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng kalakasan upang makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito, at makaharap kayo sa Anak ng Tao.” Araw-araw, si Jesus ay nagtuturo sa Templo. Kung gabi nama'y umaalis siya at nagpapalipas ng magdamag sa Bundok ng mga Olibo. Maaga pa'y pumupunta na sa Templo ang mga tao upang makinig sa kanya. Malapit nang ipagdiwang noon ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa na tinatawag ding Pista ng Paskwa. Ang mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan ay naghahanap ng paraan upang mapatay nila si Jesus, ngunit nag-iingat sila dahil natatakot sila sa mga tao. Noon nama'y pumasok si Satanas kay Judas, na tinatawag na Iscariote, na kabilang sa Labindalawa. Kaya't nakipagkita siya sa mga punong pari at sa mga pinuno ng bantay sa Templo upang kanilang pag-usapan kung paano niyang maipagkakanulo si Jesus. Natuwa sila at nangakong babayaran si Judas ng salapi. Sumang-ayon siya, at mula noo'y humanap na siya ng pagkakataong maipagkanulo si Jesus nang hindi namamalayan ng mga tao. Sumapit ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa na siya namang araw ng pagpatay at paghahandog ng korderong pampaskwa. Inutusan ni Jesus sina Pedro at Juan, “Lumakad na kayo at ihanda ninyo ang ating hapunang pampaskwa.” “Saan po ninyo nais na maghanda kami?” tanong nila. Sumagot siya, “Pumunta kayo sa lunsod. May masasalubong kayong lalaki na may dalang isang bangang tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na kanyang papasukan. Sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ipinapatanong po ng Guro kung mayroon kayong silid na maaaring magamit niya at ng kanyang mga alagad para sa hapunang pampaskwa.’ Ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na may nakahanda nang kagamitan. Doon kayo maghanda.” Pumunta nga sila at natagpuan nila ang lahat ayon sa sinabi ni Jesus. At inihanda nila ang hapunang pampaskwa. Nang sumapit na ang oras, dumulog si Jesus sa hapag kasama ang kanyang mga apostol. Sinabi niya sa kanila, “Nagagalak ako na makasama kayo sa hapunang ito bago ako maghirap. Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako muling kakain nito hanggang sa ito'y maganap sa kaharian ng Diyos.” Dumampot siya ng isang kopa, at matapos magpasalamat sa Diyos ay ibinigay iyon sa kanila, at nagsabi, “Kunin ninyo ito at paghati-hatian. Sinasabi ko sa inyo, mula ngayo'y hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hangga't hindi dumarating ang kaharian ng Diyos.” Dumampot din siya ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Diyos ay kanyang pinaghati-hati iyon at ibinigay sa kanila. Sabi niya, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” Gayundin naman, dinampot niya ang kopa pagkatapos maghapunan at sinabi, “Ang kopang ito ang bagong tipan ng Diyos na pinagtibay ng aking dugo. Ang aking dugo ay mabubuhos alang-alang sa inyo. “Ngunit kasalo ko rito ang magtataksil sa akin. Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa itinakda ng Diyos, ngunit kakila-kilabot ang daranasin ng taong magkakanulo sa kanya.” At sila'y nagtanungan kung sino sa kanila ang gagawa ng ganoon. Nagtatalu-talo pa ang mga alagad kung sino sa kanila ang kikilalaning pinakadakila. Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang mga hari ng mga Hentil ay pinapanginoon ng kanilang nasasakupan, at ang mga may kapangyarihan ay nagnanasang matawag na mga tagatangkilik. Ngunit hindi ganoon ang dapat mangyari sa inyo. Sa halip, ang pinakadakila ang dapat lumagay na pinakamababa, at ang namumuno ay maging tagapaglingkod. Sino ba ang higit na nakakataas, ang nakadulog sa hapag, o ang naglilingkod? Hindi ba ang nakadulog sa hapag? Ngunit ako'y kasama ninyo bilang isang naglilingkod. “Kayo ang nanatiling kasama ko sa mga pagsubok sa akin. Kung paanong ang Ama ay nagbigay sa akin ng karapatang maghari, gayundin naman, ibinibigay ko sa inyo ang karapatang ito. Kayo'y kakain at iinom na kasalo ko sa aking kaharian, at kayo'y uupo sa mga trono at mamumuno sa labindalawang lipi ng Israel.” “Simon, Simon! Hiniling ni Satanas na subukin kayo tulad sa pag-aalis ng ipa sa mga trigo. Subalit idinalangin kita upang huwag manghina ang iyong pananampalataya. At kapag nagbalik-loob ka na, patatagin mo ang iyong mga kapatid.” Sumagot si Pedro, “Panginoon, handa po akong mabilanggo at mamatay na kasama ninyo!” Ngunit sinabi ni Jesus, “Pedro, tandaan mo ito, bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay tatlong beses mo akong ikakaila.” Pagkatapos nito, tinanong sila ni Jesus, “Nang suguin ko kayong walang dalang lalagyan ng pera, bag, o sandalyas, kinulang ba kayo ng anuman?” “Hindi po,” tugon nila. Sinabi niya, “Subalit ngayon, kung kayo'y may bag o lalagyan ng pera, dalhin na ninyo. Ang sinumang walang tabak, ipagbili ang kanyang balabal at bumili ng isang tabak. Sinasabi ko sa inyo, dapat mangyari sa akin ang sinasabi ng Kasulatan, ‘Ibinilang siya sa mga salarin,’ sapagkat ang nasusulat tungkol sa akin ay natutupad na.” Sinabi ng mga alagad, “Panginoon, heto po ang dalawang tabak.” “Sapat na iyan!” tugon niya. Gaya ng kanyang kinagawian, umalis si Jesus at nagpunta sa Bundok ng mga Olibo kasama ang mga alagad. Pagdating doo'y sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso.” Lumayo siya sa kanila, mga isang pukol ng bato ang layo, at doo'y lumuhod at nanalangin. Sabi niya, “Ama, kung maaari po ay ilayo mo sa akin ang kopang ito, ngunit huwag ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo.” [ Nagpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas ang loob niya. Dala ng matinding hinagpis, siya'y nanalangin nang lalong taimtim, at pumatak sa lupa ang kanyang pawis na parang malalaking patak ng dugo.] Pagkatapos manalangin, siya'y tumayo at lumapit sa kanyang mga alagad. Naratnan niyang natutulog ang mga ito dahil sa labis na kalungkutan. “Bakit kayo natutulog?” tanong niya. “Bumangon kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso.” Nagsasalita pa si Jesus nang dumating ang maraming taong pinangungunahan ni Judas, na kabilang sa Labindalawa. Nilapitan niya si Jesus upang halikan, subalit tinanong siya ni Jesus, “Judas, ipagkakanulo mo ba ang Anak ng Tao sa pamamagitan ng isang halik?” Nang makita ng mga alagad ang mangyayari ay sinabi nila, “Panginoon, gagamitin na ba namin ang aming tabak?” Kaagad tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng pinakapunong pari at natagpas ang kanang tainga nito. Sinabi ni Jesus, “Tama na iyan!” Hinipo niya ang tainga ng alipin at ang sugat ay kaagad ring naghilom. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga punong pari, sa mga pinuno ng mga bantay sa Templo at sa pinuno ng bayan na nagparoon upang dakpin siya, “Ako ba'y tulisan, at naparito kayong may mga tabak at mga pamalo? Araw-araw akong nagtuturo sa Templo at naroon din kayo, ngunit hindi ninyo ako dinakip. Subalit ngayon ay panahon na ninyo at ng kapangyarihan ng kadiliman.” Dinakip nga nila si Jesus at dinala sa bahay ng pinakapunong pari ng mga Judio. Si Pedro nama'y sumunod sa kanila, ngunit malayo ang agwat. Nagsiga sila sa gitna ng patyo at naupo sa paligid ng apoy, at si Pedro ay nakiumpok sa kanila. Nang makita siya ng isang utusang babae, siya'y pinagmasdang mabuti. Pagkatapos ay sinabi ng babae, “Kasama rin ni Jesus ang taong ito!” Ngunit ikinaila iyon ni Pedro, “Aba, hindi! Ni hindi ko nga iyan kilala!” Pagkaraan ng ilang sandali, mayroon uling nakapansin sa kanya at siya'y tinanong, “Hindi ba't kasamahan ka rin nila?” Ngunit sumagot siya, “Nagkakamali kayo, Ginoo!” Pagkalipas ng may isang oras, iginiit naman ng isa sa naroon, “Kasama nga ni Jesus ang taong ito, sapagkat isa rin siyang taga-Galilea.” Ngunit sumagot si Pedro, “Ginoo, hindi ko nalalaman ang sinasabi ninyo!” Nagsasalita pa siya nang biglang may tumilaok na manok. Lumingon ang Panginoon at tumingin kay Pedro, at naalala ni Pedro ang sinabi ng Panginoon, “Bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay tatlong beses mo akong ikakaila.” Lumabas si Pedro at umiyak nang buong pait. Samantala, si Jesus ay kinukutya at binubugbog ng mga nagbabantay sa kanya. Siya'y piniringan nila at tinatanong, “Hulaan mo nga kung sino ang sumuntok sa iyo!” Marami pang panlalait ang ginawa nila sa kanya. Kinaumagahan ay nagkatipon ang Sanedrin na binubuo ng mga pinuno ng bayan, mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Iniharap sa kanila si Jesus at siya'y kanilang tinanong, “Sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo.” Sumagot si Jesus, “Sabihin ko man sa inyo ay hindi kayo maniniwala. Kung tanungin ko naman kayo, hindi rin kayo sasagot. Ngunit sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ang Anak ng Tao ay uupo sa kanang trono ng Makapangyarihang Diyos.” “Nais mo bang sabihing ikaw ang Anak ng Diyos?” tanong ng lahat. “Kayo na rin ang nagsasabi,” tugon niya. “Hindi na natin kailangan ng mga saksi; tayo na mismo ang nakarinig mula sa sarili niyang bibig!” sabi nila. Tumayo ang buong Sanedrin at dinala si Jesus kay Pilato. Siya ay pinaratangan nila ng ganito, “Napatunayan po namin na sinusulsulan ng taong ito ang aming mga kababayan upang maghimagsik. Ang mga tao ay pinagbabawalan niyang magbayad ng buwis sa Emperador at nagpapanggap pa siyang siya raw ang Cristo, na siya ay isang hari.” Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw nga ba ang Hari ng mga Judio?” “Ikaw na ang may sabi,” tugon ni Jesus. Sinabi ni Pilato sa mga punong pari at sa mga tao, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.” Ngunit mapilit sila at sinasabing, “Sa pamamagitan ng kanyang mga katuruan ay inuudyukan niyang maghimagsik ang mga taga-Judea. Nagsimula siya sa Galilea at ngayo'y narito na.” Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung si Jesus ay taga-Galilea nga. At nang malaman niyang si Jesus ay sakop ni Haring Herodes, ipinadala niya si Jesus kay Herodes, na nagkataon namang nasa Jerusalem nang mga araw na iyon. Tuwang-tuwa si Herodes nang makita niya si Jesus. Matagal na niyang ibig makita ito sapagkat marami siyang nababalitaan tungkol dito. Umaasa si Herodes na gagawa si Jesus ng ilang himala, at nais niyang makita iyon. Marami siyang itinanong kay Jesus, ngunit hindi ito sumagot kahit minsan. Samantala, ang mga punong pari naman at ang mga tagapagturo ng Kautusan ay nakatayo doon at walang tigil ng kapaparatang kay Jesus. Dahil dito, siya'y hinamak at tinuya ni Herodes at ng mga kawal nito. Siya ay dinamitan nila ng mamahaling damit, at ipinabalik siya kay Pilato. At nang araw ding iyon, naging magkaibigan sina Herodes at Pilato na dati'y magkagalit. Ipinatawag ni Pilato ang mga punong pari, ang mga pinuno ng bayan at ang mga tao. Sinabi niya sa kanila, “Isinakdal ninyo sa akin ang taong ito sa kasalanang panunulsol sa mga taong bayan na maghimagsik. Siniyasat ko siya sa harap ninyo at napatunayan kong walang katotohanan ang mga paratang ninyo sa kanya. Gayundin si Herodes, kaya ipinabalik niya sa atin si Jesus. Hindi siya dapat hatulan ng kamatayan; wala siyang kasalanan. Subalit sabay-sabay na sumigaw ang mga tao, “Patayin ang taong iyan! Palayain si Barabbas!” Si Barabbas ay nabilanggo dahil sa paghihimagsik na pinangunahan nito sa lunsod, at dahil na rin sa salang pagpatay. Sa pagnanais na mapalaya si Jesus, minsan pang nagsalita sa kanila si Pilato, ngunit sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!” Ikatlong ulit na sinabi sa kanila ni Pilato, “Bakit, ano ba ang ginawa niyang masama? Wala akong makitang dahilan upang siya'y hatulan ng kamatayan. Ipahahagupit ko na lamang siya at pagkatapos ay palalayain.” Ngunit lalo nilang ipinagsigawan na si Jesus ay dapat ipako sa krus. Napakalakas ng kanilang sigaw kaya't ipinasya ni Pilato na pagbigyan ang kanilang kahilingan. Pinalaya niya ang taong nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpatay, at ibinigay niya si Jesus sa kanila upang gawin ang kanilang kagustuhan. Si Jesus ay dinala ng mga kawal. Nasalubong nila sa daan si Simon na taga-Cirene na noon ay galing sa bukid. Pinigil nila ito at ipinapasan dito ang krus habang pinapasunod kay Jesus. Sinusundan si Jesus ng maraming tao, kabilang ang ilang babaing nag-iiyakan at tumatangis dahil sa kanya. Nilingon sila ni Jesus at sinabi, “Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan. Ang tangisan ninyo'y ang inyong sarili at ang inyong mga anak. Tandaan ninyo, darating ang mga araw na sasabihin nila, ‘Mapalad ang mga baog, ang mga sinapupunang hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na hindi nagpasuso.’ Sa mga araw na iyo'y sasabihin ng mga tao sa mga bundok, ‘Tabunan ninyo kami!’ at sa mga burol, ‘Itago ninyo kami!’ Sapagkat kung ganito ang ginagawa sa kahoy na sariwa, ano naman kaya ang gagawin kapag ito'y tuyo na?” May dalawa pang kriminal na inilabas ng mga kawal upang pataying kasama ni Jesus. Nang dumating sila sa isang bundok na tinatawag na Bungo, ipinako nila si Jesus sa krus. Ipinako rin ang dalawang kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kaliwa. [ Sinabi …ginagawa: Sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”] Pinaghati-hatian ng mga kawal ang damit ni Jesus. Sila'y nagpalabunutan upang malaman kung kani-kanino mapupunta ang bawat kasuotan niya. Ang mga tao nama'y nakatayo roon at nanonood, habang si Jesus ay kinukutya ng mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas niya ngayon ang kanyang sarili kung siya nga ang Cristo na hinirang ng Diyos!” Nilait din siya ng mga kawal. Nilapitan siya ng isa at inalok ng maasim na alak, kasabay ng ganitong panunuya, “Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.” Isinulat nila sa kanyang ulunan, “Ito ang Hari ng mga Judio.” Tinuya rin siya ng isa sa mga salaring nakapako sa tabi niya, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at pati na rin kami.” Ngunit pinagsabihan naman ito ng kanyang kasama, “Wala ka na bang takot sa Diyos? Ikaw ay pinaparusahan ding tulad niya! Tama lamang na tayo'y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito'y walang ginawang masama.” At sinabi pa nito, “Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa Paraiso.” Nang magtatanghaling-tapat na, hanggang sa ikatlo ng hapon, nagdilim sa buong lupain. Nawalan ng liwanag ang araw at ang tabing ng Templo'y napunit sa gitna. Sumigaw nang malakas si Jesus, “Ama, sa mga kamay mo'y ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu!” At pagkasabi nito, nalagot ang kanyang hininga. Nang makita ng kapitan ng mga kawal ang nangyari, siya'y nagpuri sa Diyos na sinasabi, “Tunay ngang matuwid ang taong ito!” Maraming tao ang nagkakatipon doon at nanonood. Nang makita nila ang mga nangyari, umuwi silang lungkot na lungkot. Nakatayo naman sa di-kalayuan ang mga kasamahan ni Jesus, pati ang mga babaing sumama sa kanya mula sa Galilea. Nakita rin nila ang mga pangyayaring ito. Nagpunta siya kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. Ibinabâ niya ang bangkay, binalot sa telang mamahalin at inilagay sa isang libingang inuka sa bato na hindi pa napaglilibingan. Araw noon ng Paghahanda at magsisimula na ang Araw ng Pamamahinga. Sumama kay Jose ang mga babaing sumunod kay Jesus mula pa sa Galilea. Nakita nila ang libingan at ang pagkakalagay doon ng bangkay ni Jesus. Pagkatapos, umuwi sila at naghanda ng mga pabango at mira. Dahil sumapit na ang Araw ng Pamamahinga, nangilin sila ayon sa itinakda ng Kautusan. Madilim-dilim pa nang unang araw ng sanlinggo, ang mga babae ay nagbalik sa libingan, dala ang mga pabangong inihanda nila. Nang dumating sila doon, nakita nilang naigulong na ang batong nakatakip sa libingan. Ngunit nang pumasok sila, wala roon ang bangkay ng Panginoong Jesus. Natigilan sila at nagtaka kung ano ang nangyari. Biglang lumitaw sa tabi nila ang dalawang lalaking nakakasilaw ang damit. Dahil sa matinding takot, sila'y nagpatirapa. Tinanong sila ng mga lalaki, “Bakit ninyo hinahanap ang buháy sa lugar ng mga patay? Wala siya rito, siya'y muling nabuhay! Alalahanin ninyo ang sinabi niya sa inyo noong nasa Galilea pa siya, ‘Ang Anak ng Tao ay kailangang ipagkanulo sa mga makasalanan at ipako sa krus, at sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.’” Naalala nga ng mga babae ang mga sinabi ni Jesus noong una, kaya't umuwi sila at isinalaysay nila sa labing-isa at sa iba pa nilang kasamahan ang buong pangyayari. Ang mga babaing ito'y sina Maria Magdalena, Juana, at Maria na ina ni Santiago; sila at ang iba pang mga babaing kasama nila ang nagbalita sa mga apostol. Akala ng mga apostol ay kahibangan lamang ang kanilang sinasabi kaya ayaw nilang paniwalaan ang mga kababaihan. Ngunit tumayo si Pedro at patakbong nagpunta sa libingan. Pumasok siya, at pagtingin sa loob ay wala siyang nakita kundi ang mga telang ipinambalot kay Jesus. Kaya't umuwi siyang nagtataka sa nangyari. Nang araw ding iyon, may dalawang alagad na naglalakad papuntang Emaus, isang nayong may labing-isang kilometro ang layo mula sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari. Habang sila'y nag-uusap, lumapit si Jesus at nakisabay sa kanila, ngunit siya'y hindi nila nakilala na para bang natatakpan ang kanilang mga mata. Tinanong sila ni Jesus, “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?” Tumigil silang nalulumbay, at sinabi ni Cleopas, “Ikaw lamang yata ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakakaalam sa mga pangyayaring katatapos lamang maganap doon.” “Anong pangyayari?” tanong niya. Sumagot sila, “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, isang propetang makapangyarihan sa salita at gawa maging sa harap ng Diyos at ng mga tao. Isinakdal siya ng aming mga punong pari at mga pinuno ng bayan upang mahatulang mamatay, at siya'y ipinako sa krus. Siya pa naman ang inaasahan naming magpapalaya sa Israel. Hindi lamang iyan. Ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ito. Nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan at hindi nila natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang sabi'y nakakita raw sila ng isang pangitain, mga anghel na nagsabing si Jesus ay buháy. Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama namin at ganoon nga ang natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Jesus.” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi ba kayo makaunawa? Bakit hindi kayo makapaniwala sa lahat ng sinasabi ng mga propeta? Hindi ba't kailangang ang Cristo ay magtiis ng lahat ng ito bago niya makamtan ang kanyang marangal na katayuan?” At patuloy na ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng sinasabi sa Kasulatan tungkol sa kanyang sarili, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa mga sinulat ng mga propeta. Malapit na sila sa nayong kanilang pupuntahan at si Jesus ay parang magpapatuloy pa sa paglakad, ngunit siya'y pinigil nila. “Tumuloy ka muna rito sa amin. Malapit na ang gabi, dumidilim na,” sabi nila. Kaya't sumama nga siya sa kanila. Nang siya'y kasalo na nila sa pagkain, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos; pagkatapos, pinagpira-piraso iyon at ibinigay sa kanila. Noon nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila si Jesus, subalit siya'y biglang nawala sa kanilang paningin. Nasabi nila sa isa't isa, “Kaya pala nag-uumapaw ang ating pakiramdam habang tayo'y kinakausap niya sa daan at ipinapaliwanag ang mga Kasulatan!” Agad silang tumayo at nagbalik sa Jerusalem. Naratnan nilang nagkakatipon doon ang labing-isa at ang ibang kasamahan nila. Sinabi ng mga ito sa dalawa, “Totoo nga palang muling nabuhay ang Panginoon! Nagpakita siya kay Simon!” At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan at kung paano nila nakilala si Jesus nang paghati-hatiin nito ang tinapay. Habang pinag-uusapan nila ito, tumayo si Jesus sa kalagitnaan nila na nagsasabi, “Sumainyo ang kapayapaan!” Natigilan sila at natakot sapagkat ang akala nila'y multo ang kaharap nila. Kaya't sinabi ni Jesus, “Bakit kayo natitigilan? Bakit kayo nag-aalinlangan? Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa. Ako nga ito. Hawakan ninyo ako at pagmasdan. Ang multo ay walang laman at buto, ngunit ako'y mayroon, tulad ng nakikita ninyo.” Habang sinasabi niya ito, ipinapakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa. Parang hindi pa rin sila makapaniwala sa laki ng galak at pagkamangha, kaya't tinanong sila ni Jesus, “May pagkain ba kayo riyan?” Siya'y binigyan nila ng isang hiwa ng isdang inihaw. Kinuha niya ito at kinain sa harap nila. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko sa inyo noong kasa-kasama pa ninyo ako; dapat matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises at sa aklat ng mga propeta, at sa aklat ng mga Awit.” Binuksan niya ang kanilang pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang nasusulat: kinakailangang maghirap at mamatay ang Cristo; at pagkatapos, siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw. Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng bansa, magmula sa Jerusalem. Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito. Tandaan ninyo, isusugo ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama, kaya't huwag kayong aalis sa Jerusalem hangga't hindi kayo napagkakalooban ng kapangyarihang mula sa langit.” Pagkatapos ng mga ito, sila'y isinama ni Jesus sa labas ng lunsod. Pagdating sa Bethania, itinaas niya ang kanyang mga kamay at sila'y binasbasan. Habang iginagawad niya ito, siya nama'y lumalayo paakyat sa langit. Siya'y sinamba nila at pagkatapos ay masayang-masaya silang bumalik sa Jerusalem. Palagi silang nasa Templo at doo'y nagpupuri sa Diyos. Nang pasimula ay naroon na ang Salita; ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. Sa pasimula ay kasama na siya ng Diyos. Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. Ang nilikha sa kanya ay may buhay, at ang buhay ay siyang ilaw ng sangkatauhan. Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito nagapi kailanman ng kadiliman. At naparito si Juan na isinugo ng Diyos upang magpatotoo sa mga tao patungkol sa ilaw at upang ang lahat ay sumampalataya dito. Hindi siya ang ilaw subalit naparito siya upang magpatotoo patungkol sa ilaw. Ito ang tunay na ilaw: dumarating ito sa sanlibutan upang magbigay liwanag sa lahat ng tao. Dumating ang Salita sa sanlibutan ngunit hindi siya kinilala ng sanlibutang ito na nilikha sa pamamagitan niya. Pumunta siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng sarili niyang kababayan. Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos. Sila nga ay naging mga anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan o sa kagustuhan o sa kagagawan ng tao kundi ang pagiging anak nila ay dahil sa kalooban ng Diyos. Ang Salita ay naging tao at nanirahan sa piling namin. Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan. Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya. Isinisigaw niya, “Siya ang tinutukoy ko nang aking sabihin, ‘Ang darating na kasunod ko'y higit kaysa sa akin, sapagkat siya ay naroon na bago pa man ako ipanganak.’” Dahil siya'y puspos ng pag-ibig, naranasan natin ang masaganang kagandahang-loob ng Diyos. Dumating ang Kautusan sa amin sa pamamagitan ni Moises; ngunit sa pamamagitan naman ni Jesu-Cristo ay dumating ang kagandahang-loob at katotohanan. Kailanma'y wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit siya ay ipinakilala ng kaisa-isang Diyos na lubos na minamahal ng Ama. Ang mga pinuno ng mga Judio sa Jerusalem ay nagsugo ng ilang paring Judio at Levita upang itanong kay Juan kung sino nga ba siya. Hindi nagkaila si Juan; sa halip ay maliwanag niyang sinabi, “Hindi ako ang Cristo.” “Sino ka kung gayon?” tanong nila. “Ikaw ba si Elias?” “Hindi ako si Elias,” tugon niya. “Ikaw ba ang Propeta?” Sumagot siya, “Hindi rin.” “Sino ka kung gayon? Sabihin mo kung sino ka upang may masabi naman kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?” tanong nilang muli. Sumagot si Juan sa pamamagitan ng pangungusap mula sa aklat ni Propeta Isaias, “Ako ang tinig ng isang taong sumisigaw sa ilang, ‘Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon.’” Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo. Muli nilang tinanong si Juan, “Bakit ka nagbabautismo, gayong hindi naman pala ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang Propeta?” Sumagot si Juan, “Ako'y nagbabautismo sa tubig, ngunit nasa inyong kalagitnaan ang isang hindi ninyo nakikilala. Darating siyang kasunod ko subalit hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas.” Ang mga ito'y nangyari sa Bethania, sa silangan ng Ilog Jordan na pinagbabautismuhan ni Juan. Kinabukasan, nakita ni Juan na si Jesus ay lumalapit sa kanya. Kaya't sinabi niya, “Tingnan ninyo, siya ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan. Siya ang tinutukoy ko nang sabihin kong ang dumarating na kasunod ko ay higit sa akin, sapagkat siya'y naroon na bago pa man ako ipanganak. Hindi ko rin siya kilala noon subalit ako'y naparitong nagbabautismo sa tubig upang ipakilala siya sa Israel.” Ganito ang patotoo ni Juan: “Nakita ko ang Espiritu na bumababa na parang isang kalapati na buhat sa langit at nanatili sa kanya. Hindi ko nga siya kilala noon. Ngunit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ang siya ring nagsabi sa akin, ‘Ang sinumang makikita mong bababaan at pananatilihan ng Espiritu, siya ang magbabautismo ng Espiritu Santo sa inyo.’ Ngayon ay nakita ko siya, at pinapatotohanan kong siya ang Anak ng Diyos.” Kinabukasan, naroon muli si Juan kasama ang dalawa sa kanyang mga alagad. Nang makita niya si Jesus na nagdaraan ay kanyang sinabi, “Siya ang Kordero ng Diyos!” Narinig ng dalawang alagad ang sinabi niya, kaya't sumunod sila kay Jesus. Lumingon si Jesus, at nang makita niyang sumusunod sa kanya ang mga ito, sila'y tinanong niya, “Ano ang kailangan ninyo?” Sumagot sila, “Saan po kayo nakatira, Rabi?” Ang kahulugan ng salitang ito'y Guro. “Halikayo at tingnan ninyo,” sabi ni Jesus. Sumama sila kay Jesus at nakita nila ang kanyang tinitirhan; at tumuloy sila roon nang araw na iyon. Noo'y mag-aalas kuwatro na ng hapon. Ang isa sa dalawang alagad na nakarinig kay Juan at sumunod kay Jesus ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. Unang hinanap ni Andres ang kanyang kapatid na si Simon. Sinabi niya rito, “Nakita na namin ang Mesiyas!” (Ang kahulugan ng salitang ito'y Cristo). At isinama ni Andres si Simon kay Jesus. Tiningnan ni Jesus si Simon at sinabi sa kanya, “Ikaw ay si Simon na anak ni Juan. Ikaw ay tatawaging Cefas” (na ang kahulugan ng pangalang ito ay Pedro ). Kinabukasan, minabuti ni Jesus na pumunta sa Galilea. Nakita niya roon si Felipe at sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka at maglingkod sa akin.” Si Felipe ay taga-Bethsaida, tulad nina Andres at Pedro. Nakita ni Felipe si Nathanael at sinabi niya dito, “Natagpuan na namin ang tinutukoy ni Moises sa kanyang isinulat sa aklat ng Kautusan at gayundin ng mga propeta. Siya'y si Jesus na taga-Nazaret, na anak ni Jose.” “May mabuti bang maaaring magmula sa Nazaret?” tanong ni Nathanael. Sumagot si Felipe, “Halika't tingnan mo.” Nang malapit na si Nathanael ay sinabi ni Jesus, “Masdan ninyo ang isang tunay na Israelita. Wala siyang anumang pagkukunwari.” Tinanong siya ni Nathanael, “Paano ninyo ako nakilala?” Sumagot si Jesus, “Bago ka pa tawagin ni Felipe, nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos.” Sumagot si Nathanael, “Guro, kayo nga po ang Anak ng Diyos! Kayo ang Hari ng Israel!” Sinabi ni Jesus, “Sumampalataya ka ba dahil sa sinabi ko sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Higit pa riyan ang masasaksihan mo.” At sinabi niya sa kanya, “Pakatandaan mo: makikita ninyong bukás ang langit, at ang mga anghel ng Diyos ay manhik-manaog sa kinaroroonan ng Anak ng Tao!” Pagkalipas ng dalawang araw, may kasalan sa Cana sa Galilea, at naroon ang ina ni Jesus. Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay inanyayahan din sa kasalan. Kinapos ng handang alak, kaya't sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Anak, naubusan sila ng alak.” Sinabi ni Jesus, “Huwag po ninyo akong pangunahan, Ginang. Hindi pa po ito ang tamang panahon.” Sinabi ng kanyang ina sa mga naglilingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo.” May anim na banga doon, ang bawat isa'y naglalaman ng pitumpu't lima hanggang 115 litro. Ang mga ito ay nakalaan para sa paghuhugas ayon sa tuntuning panrelihiyon ng mga Judio. Sinabi ni Jesus sa mga tumutulong doon, “Punuin ninyo ng tubig ang mga banga.” At pinuno nga nila ang mga banga. Pagkatapos, sinabi niya, “Kumuha kayo ng kaunti at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan.” Dinalhan nga nila ang namamahala ng handaan, at tinikman nito ang tubig na naging alak. Hindi niya alam kung saan nanggaling iyon, subalit alam ng mga sumalok ng tubig. Kaya't tinawag niya ang lalaking ikinasal at sinabi, “Ang masarap na alak ay unang inihahain; kapag marami nang nainom ang mga tao, saka inihahain ang mababang uri. Ngunit sa huli ninyo inilabas ang masarap na alak!” Ang nangyaring ito sa Cana sa Galilea ang unang himalang ginawa ni Jesus. Sa pamamagitan nito'y inihayag niya ang kanyang kapangyarihan at nanalig sa kanya ang mga alagad. Pagkatapos nito, pumunta si Jesus sa Capernaum, kasama ang kanyang ina, mga kapatid, at mga alagad. Sila'y nanatili roon nang ilang araw. Malapit na ang Paskwa ng mga Judio kaya't pumunta si Jesus sa Jerusalem. Nakita niya sa Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, tupa at kalapati, at ang mga namamalit ng salapi. Kumuha siya ng lubid at ginawa iyong panghagupit, at ipinagtabuyan niyang palabas ang mga nagtitinda, pati na ang mga baka at tupa. Isinabog niya ang salapi ng mga namamalit ng pera at ipinagtataob ang kanilang mga mesa. Pinagsabihan niya ang mga nagtitinda ng kalapati, “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!” Naalala ng kanyang mga alagad ang sinasabi sa kasulatan, “Ang malasakit ko sa iyong tahanan, matinding-matindi sa aking kalooban.” Dahil dito'y tinanong siya ng mga pinuno ng Judio, “Anong himala ang maipapakita mo upang patunayang may karapatan kang gawin ito?” Sumagot si Jesus, “Gibain ninyo ang Templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay muli ko itong itatayo.” Sinabi ng mga pinuno ng Judio, “Apatnapu't anim na taóng ginawa ang Templong ito, at itatayo mo sa loob lamang ng tatlong araw?” Ngunit ang templong tinutukoy ni Jesus ay ang kanyang katawan. Kaya't nang siya'y muling mabuhay, naalala ng kanyang mga alagad na sinabi niya ito, at lalo silang naniwala sa kasulatan at sa mga itinuro ni Jesus. Nang Pista ng Paskwa ay nasa Jerusalem si Jesus. Marami ang sumampalataya sa kanya nang makita nila ang mga himalang ginagawa niya. Subalit hindi nagtiwala sa kanila si Jesus, sapagkat alam niya ang kanilang mga iniisip. Hindi na kailangang may magsabi pa sa kanya tungkol sa kaninuman, sapagkat nalalaman niya ang kalooban ng lahat ng tao. May isang iginagalang na pinuno ng mga Judio. Siya ay si Nicodemo. Kabilang din siya sa grupo ng mga Pariseo. Isang gabi, pumunta siya kay Jesus at sinabi, “Guro, nalalaman po naming kayo'y isang tagapagturong mula sa Diyos, sapagkat walang makakagawa ng mga himalang ginagawa ninyo kung wala sa inyo ang Diyos.” Sumagot si Jesus, “Pakatandaan mo: malibang ipanganak na muli ang isang tao, hindi niya makikita ang paghahari ng Diyos.” “Paanong maipapanganak pang muli ang isang taong matanda na? Makakapasok pa ba siya sa sinapupunan ng kanyang ina para muling isilang?” tanong ni Nicodemo. Sagot naman ni Jesus, “Pakatandaan mo: malibang ang isang tao ay ipanganak sa pamamagitan ng tubig at ng Espiritu, hindi ito makakapasok sa kaharian ng Diyos. Ang taong ipinanganak ayon sa laman ay laman, at ang ipinanganak ayon sa Espiritu ay espiritu. Huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo, ‘kayong lahat ay kailangang ipanganak na muli.’ Umiihip ang hangin kung saan nito nais at naririnig mo ang ugong nito, ngunit hindi mo alam kung saan ito nanggagaling at kung saan pupunta. Ganoon din ang bawat ipinanganak ayon sa Espiritu.” “Puwede po bang mangyari iyon?” tanong ni Nicodemo. Sumagot si Jesus, “Guro ka pa naman sa Israel, hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito? Pakatandaan mo: ang sinasabi namin ay nalalaman namin, at ang pinapatotohanan namin ay nasaksihan namin, subalit hindi ninyo tinatanggap ang aming patotoo. Kung hindi ninyo pinaniniwalaan ang mga sinasabi ko tungkol sa mga bagay dito sa mundo, paano pa ninyo mapapaniwalaan ang sasabihin ko tungkol sa mga bagay doon sa langit? Wala pang sinumang umakyat sa langit kundi ang bumabâ mula sa langit, ang Anak ng Tao.” At kung paanong itinaas ni Moises ang tansong ahas doon sa ilang, gayundin naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulang maparusahan ang mga tao, kundi upang iligtas ang mga ito sa pamamagitan niya. Hindi hinahatulang maparusahan ang sumasampalataya sa Anak. Ngunit hinatulan na ang hindi sumasampalataya, sapagkat hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos. Ganito ang paghatol ng Diyos: naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat ang kanilang mga gawain ay masasama. Kinasusuklaman ng mga gumagawa ng masama ang ilaw, ni hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanilang mga gawa. Ngunit ang namumuhay ayon sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang maihayag na ang mga ginagawa niya ay pagsunod sa Diyos. Pagkatapos nito, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa lupain ng Judea. Nanatili sila roon nang kaunting panahon, at nagbabautismo ng mga tao. Samantala, si Juan ay nagbabautismo naman sa Enon, malapit sa Salim, sapagkat maraming tubig doon. Pumupunta sa kanya ang mga tao at nagpapabautismo. Hindi pa noon nabibilanggo si Juan. Minsan, nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio tungkol sa rituwal ng paglilinis. Kaya't pumunta sila kay Juan at sinabi sa kanya, “Guro, naaalala pa po ba ninyo ang lalaking kasama ninyo sa ibayo ng Jordan, na inyong pinatotohanan? Siya po ay nagbabautismo rin at nagpupuntahan sa kanya ang lahat!” Sumagot si Juan, “Walang sinumang tatanggap ng anuman malibang ito'y ipagkaloob sa kanya ng Diyos. Kayo mismo ang makakapagpatunay na sinabi kong hindi ako ang Cristo; isa lamang akong sugo na mauuna sa kanya. Sa isang kasalan, ang babaing ikakasal ay para lamang sa lalaking ikakasal. Ang abay na naghihintay sa pagdating ng lalaking ikakasal ay lubos na nagagalak kapag narinig niya ang tinig nito. Gayundin naman, lubos na ang aking kagalakan ngayon. Kinakailangang siya ang maging dakila at ako nama'y maging mababa.” Ang mula sa itaas ay dakila sa lahat; ang mula sa lupa ay taga-lupa at nagsasalita tungkol sa mga bagay sa lupa. Ang mula sa langit ay dakila sa lahat. Pinapatotohanan niya ang kanyang nakita at narinig ngunit walang naniniwala sa kanyang patotoo. Ang naniniwala sa kanyang patotoo ay nagpapatunay na ang sinabi ng Diyos ay totoo. Ang isinugo ng Diyos ay nagpapahayag ng mga salita ng Diyos, sapagkat lubusang ipinagkakaloob ng Diyos ang kanyang Espiritu. Iniibig ng Ama ang Anak, at ibinigay niya rito ang pamamahala sa lahat ng bagay. Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan. Ngunit ang hindi sumusunod sa Anak ay hindi magkakaroon ng buhay. Sa halip, mananatili sa kanya ang poot ng Diyos. Nabalitaan ng mga Pariseo na si Jesus ay mas maraming nahihikayat na maging alagad at nababautismuhan kaysa kay Juan. Ngunit ang totoo'y hindi si Jesus mismo ang nagbabautismo, kundi ang kanyang mga alagad. Nang ito'y malaman ni Jesus, siya'y umalis sa Judea at bumalik sa Galilea ngunit kailangang sa Samaria siya dumaan. Dumating siya sa isang bayan na tinatawag na Sicar. Malapit ito sa bukid na ibinigay ni Jacob sa kanyang anak na si Jose. Dito matatagpuan ang balon ni Jacob. Dahil siya'y napagod sa paglalakbay, umupo si Jesus sa tabi ng balon. Halos katanghalian na noon. May isang Samaritanang dumating upang umigib, at sinabi ni Jesus sa kanya, “Maaari mo ba akong bigyan ng maiinom?” Wala noon ang kanyang mga alagad dahil sila'y bumibili ng pagkain sa bayan. Sinabi sa kanya ng babae, “Ikaw ay Judio at Samaritana naman ako! Bakit ka humihingi sa akin ng inumin?” Sinabi niya iyon sapagkat hindi nakikihalubilo ang mga Judio sa mga Samaritano. Sumagot si Jesus, “Kung alam mo lamang ang kaloob ng Diyos, at kung sino itong humihingi sa iyo ng inumin, ikaw ang hihingi sa kanya at bibigyan ka naman niya ng tubig na nagbibigay-buhay.” Nagsalita ang babae, “Ginoo, malalim ang balong ito at wala ka namang panalok. Saan ka kukuha ng tubig na nagbibigay-buhay? Ang balong ito ay pamana pa sa amin ng aming ninunong si Jacob. Dito siya uminom, gayundin ang kanyang mga anak at mga hayop. Higit ka pa ba sa kanya?” Sumagot si Jesus, “Ang bawat uminom ng tubig na ito'y muling mauuhaw, ngunit ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko sa kanya ay hindi na muling mauuhaw kailanman. Ang tubig na ibibigay ko ay magiging batis sa loob niya, at patuloy na bubukal at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan.” Sinabi ng babae, “Ginoo, bigyan po ninyo ako ng tubig na ito upang hindi na ako mauhaw, ni pumarito pa upang sumalok muli.” “Umuwi ka at isama mo rito ang iyong asawa,” wika ni Jesus. “Wala akong asawa,” sagot ng babae. Sinabi ni Jesus, “Tama ang sinabi mong wala kang asawa sapagkat lima na ang iyong naging asawa, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo nga ang sinabi mo.” Sinabi ng babae, “Ginoo, isa kang propeta, hindi nga ba? Dito sa bundok na ito sumamba sa Diyos ang aming mga ninuno, ngunit sinasabi ninyong mga Judio na sa Jerusalem lamang dapat sambahin ang Diyos.” Sinabi naman ni Jesus, “Maniwala ka sa akin, darating na ang panahon na sasambahin ninyo ang Ama hindi na sa bundok na ito o sa Jerusalem. Hindi ninyo kilala ang inyong sinasamba, ngunit kilala namin ang aming sinasamba, sapagkat ang kaligtasan ay nagmumula sa mga Judio. Subalit dumarating na ang panahon at ngayon na nga, na ang mga tunay na sumasamba sa Ama ay sasamba sa kanya sa espiritu at sa katotohanan. Sapagkat ganyan ang uri ng pagsambang kinalulugdan ng Ama. Ang Diyos ay Espiritu kaya dapat siyang sambahin sa espiritu at sa katotohanan.” Sinabi ng babae, “Nalalaman ko pong darating ang Mesiyas, ang tinatawag na Cristo. Pagdating niya, siya ang magpapahayag sa amin ng lahat ng bagay.” “Ako na kausap mo ngayon ang iyong tinutukoy,” sabi ni Jesus. Dumating ang kanyang mga alagad nang sandaling iyon, at nabigla sila nang makita nilang nakikipag-usap si Jesus sa isang Samaritana. Ngunit isa man sa kanila'y walang nagtanong sa babae, “Ano ang kailangan ninyo?” Wala ring nagtanong kay Jesus, “Bakit ninyo siya kinakausap?” Iniwanan ng babae ang kanyang banga, bumalik sa bayan at sinabi sa mga tagaroon, “Halikayo! Tingnan ninyo ang taong nagsabi sa akin ng lahat ng ginawa ko. Siya na kaya ang Cristo?” Kaya't lumabas ng bayan ang mga tao at nagpunta kay Jesus. Samantala, makailang ulit na sinabi ng mga alagad kay Jesus, “Guro, kumain na kayo.” Ngunit sumagot siya, “Ako'y may pagkaing hindi ninyo nalalaman.” Kaya't nagtanung-tanungan ang mga alagad, “May nagdala kaya sa kanya ng pagkain?” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang pagkain ko'y ang tuparin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang ipinapagawa niya sa akin. “Hindi ba sinasabi ninyo, ‘Apat na buwan pa at anihan na’? Sinasabi ko naman sa inyo, masdan ninyo ang mga bukid, hinog na ang trigo at handa nang anihin. Ang umaani ay tumatanggap ng kabayaran at nagtitipon ng bunga para sa buhay na walang hanggan. Kaya't kapwa nagagalak ang nagtatanim at ang umaani. Totoo ang kasabihang, ‘Iba ang nagtatanim at iba naman ang umaani.’ Isinugo ko kayo upang anihin ang hindi ninyo itinanim. Iba ang naghirap dito at kayo naman ang umani ng kanilang pinaghirapan.” Maraming Samaritano sa bayang iyon ang nanalig kay Jesus dahil sa patotoo ng babae, “Sinabi niya sa akin ang lahat ng aking ginawa.” Kaya't pumunta sila kay Jesus at nakiusap na tumigil muna siya roon, at tumigil nga siya roon sa loob ng dalawang araw. At marami pang sumampalataya nang mapakinggan siya. Pagkatapos, sinabi nila sa babae, “Naniniwala kami ngayon, hindi na dahil sa sinabi mo kundi dahil sa narinig namin siya. Alam na naming siya nga ang Tagapagligtas ng sangkatauhan.” Pagkaraan ng dalawang araw, bumalik si Jesus sa Galilea. (Si Jesus na rin ang nagsabi na ang isang propeta'y hindi iginagalang sa sarili nitong bayan.) Pagdating niya sa Galilea ay mabuti ang pagtanggap sa kanya ng mga tagaroon, sapagkat nasa Jerusalem din sila noong Pista ng Paskwa at nakita nila ang lahat ng kanyang ginawa roon. Nagpunta muli si Jesus sa Cana, Galilea. Dito niya ginawang alak ang tubig. Sa bayan naman ng Capernaum ay may isang pinuno ng pamahalaan. Ang anak niyang lalaki ay may sakit at naghihingalo na. Nang mabalitaan niyang bumalik si Jesus sa Galilea mula sa Judea, pinuntahan niya ito at pinakiusapang pumunta sa Capernaum upang pagalingin ang kanyang anak. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Hangga't hindi kayo nakakakita ng mga himala at mga kababalaghan, kailanman ay hindi kayo sasampalataya.” Ngunit sinabi ng pinuno, “Tayo na po, Panginoon, bago mamatay ang aking anak.” Sumagot si Jesus, “Umuwi na kayo, gagaling ang inyong anak.” Naniwala ang lalaki sa sinabi ni Jesus, at umuwi na nga siya. Sa daan pa lamang ay sinalubong na siya ng kanyang mga alipin at sinabing gumaling na ang kanyang anak. Tinanong niya ang mga iyon, “Anong oras nang bumuti ang kalagayan niya?” “Ala-una po kahapon nang siya'y mawalan ng lagnat,” tugon nila. Naalala ng ama na noong oras na iyon sinabi sa kanya ni Jesus, “Gagaling ang inyong anak.” Kaya't siya at ang kanyang buong sambahayan ay sumampalataya kay Jesus. Ito ang pangalawang himalang ginawa ni Jesus sa Galilea pagkagaling mula sa Judea. Pagkaraan nito'y pumunta si Jesus sa Jerusalem upang dumalo sa isang pista ng mga Judio. Sa lunsod na ito na malapit sa Pintuan ng mga Tupa ay may malaking deposito ng tubig na may limang portiko. Kung tawagin ito sa wikang Hebreo ay Bethzata. May isang lalaki doon na tatlumpu't walong taon nang may sakit. Nakita siya ni Jesus at alam niyang matagal nang may sakit ang lalaki kaya't tinanong niya ito, “Gusto mo bang gumaling?” Sumagot ang maysakit, “Ginoo, wala pong maglusong sa akin kapag gumalaw na ang tubig; papunta pa lamang ako, may nauuna na sa akin.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” Noon di'y gumaling ang lalaki, binuhat ang kanyang higaan, at lumakad. Noo'y Araw ng Pamamahinga kaya't sinabi ng mga pinuno ng mga Judio sa lalaking pinagaling, “Araw ng Pamamahinga ngayon! Labag sa Kautusan na dalhin mo ang iyong higaan.” Ngunit sumagot siya, “Ang nagpagaling po sa akin ang nagsabing buhatin ko ang aking higaan at lumakad ako.” At siya'y tinanong nila, “Sino ang nagsabi sa iyong buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka?” Ngunit hindi alam ng lalaki kung sino ang nagpagaling sa kanya, sapagkat nawala na si Jesus sa karamihan ng tao. Pagkatapos nito, nakita ni Jesus sa loob ng Templo ang lalaki at sinabihan itong, “Magaling ka na ngayon! Huwag ka nang gumawa ng kasalanan at baka masahol pa riyan ang mangyari sa iyo.” Umalis ang lalaki at sinabi sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kanya. Dahil dito, si Jesus ay sinimulang usigin ng mga pinuno ng mga Judio, sapagkat nagpagaling siya sa Araw ng Pamamahinga. Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang aking Ama ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon, at gayundin ako.” Lalo namang pinagsikapan ng mga pinuno ng mga Judio na ipapatay siya, sapagkat hindi lamang niya nilabag ang batas tungkol sa Araw ng Pamamahinga, sinasabi pa niyang ang Diyos ang kanyang Ama, at sa gayon ay ipinapantay ang kanyang sarili sa Diyos. Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Pakatandaan ninyo na walang magagawa ang Anak sa kanyang sarili lamang; ang nakikita niyang ginagawa ng Ama ang siya lamang niyang ginagawa. Ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ng Anak, sapagkat minamahal ng Ama ang Anak at ipinapakita sa Anak ang lahat ng ginagawa niya at higit pa sa mga ito ang mga gawang ipapakita sa kanya ng Ama upang kayo'y humanga. Kung paanong binubuhay ng Ama ang mga patay, gayundin naman, binubuhay ng Anak ang sinumang nais niyang buhayin. Hindi humahatol kaninuman ang Ama, sa halip ay ibinigay na niya sa Anak ang buong kapangyarihang humatol upang maparangalan ng lahat ang Anak, tulad ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa Anak. “Pakatandaan ninyo: ang nakikinig sa aking salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan, sa halip ay inilipat na siya sa buhay mula sa kamatayan. Pakatandaan ninyo na darating ang panahon, at ngayon na nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang sinumang makinig sa kanya ay mabubuhay. Kung paanong ang Ama mismo ang pinagmumulan ng buhay, gayon din naman ang Anak na binigyan niya ng ganoong karapatan. Binigyan din niya ang Anak ng kapangyarihang humatol, sapagkat siya ang Anak ng Tao. Huwag ninyo itong pagtakhan, sapagkat darating ang oras na maririnig ng mga patay ang kanyang tinig. Sila'y muling mabubuhay; lahat ng gumawa ng kabutihan ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, at lahat ng gumawa ng kasamaan ay paparusahan.” “Hindi ako gumagawa dahil sa sarili ko lamang. Humahatol ako ayon sa sinasabi sa akin ng Ama, kaya't matuwid ang hatol ko. Hindi ang sarili kong kalooban ang aking sinusunod kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. “Kung ako lamang ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, ang patotoo ko ay walang katotohanan. Ngunit may ibang nagpapatotoo tungkol sa akin, at totoo ang kanyang sinasabi. Nagpasugo kayo kay Juan at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan. Hindi galing sa tao ang aking patotoo; sinasabi ko ito upang kayo ay maligtas. Si Juan ay parang maningas na ilaw na nagliliwanag noon, at kayo'y sandaling nasiyahan sa kanyang liwanag. Ngunit may patotoo tungkol sa akin na higit pa sa patotoo ni Juan, ang mga gawaing ipinapagawa sa akin ng Ama ang siya ko namang ginaganap; iyan ang nagpapatotoo na ako'y isinugo ng Ama. At ang Ama na nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin. Kailanma'y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita man ang kanyang anyo. Hindi nanatili sa inyong mga puso ang kanyang salita sapagkat hindi kayo sumasampalataya sa isinugo niya. Sinasaliksik ninyo ang mga Kasulatan sa paniwalang doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Ang mga Kasulatang iyan ang nagpapatotoo tungkol sa akin! Ngunit ayaw naman ninyong lumapit sa akin upang kayo'y magkaroon ng buhay. “Hindi ako naghahangad ng parangal ng tao. Subalit kilala ko kayo; alam kong wala sa inyo ang pag-ibig ng Diyos. Naparito ako sa pangalan ng aking Ama, subalit ayaw ninyo akong tanggapin. Kung may ibang pumarito sa kanyang sariling pangalan, ito'y inyong tatanggapin. Ang hinahangad ninyo'y ang papuri ng isa't isa at hindi ang papuri na nanggagaling sa iisang Diyos; paano kayo maniniwala sa akin? Huwag ninyong isipin na ako ang magsasakdal laban sa inyo sa harapan ng Ama. Si Moises, na inaasahan ninyo, ang siyang maghaharap ng paratang laban sa inyo. Kung talagang pinaniniwalaan ninyo si Moises, maniniwala din kayo sa akin, sapagkat tungkol sa akin ang sinulat niya. Dahil hindi ninyo pinapaniwalaan ang mga isinulat niya, hindi rin ninyo pinaniniwalaan ang mga sinasabi ko.” Pagkatapos nito, tumawid si Jesus sa ibayo ng Lawa ng Galilea, na tinatawag ding Lawa ng Tiberias. Sinundan siya ng napakaraming tao sapagkat nakita nila ang pagpapagaling niya sa mga maysakit. Umakyat si Jesus sa bundok kasama ang kanyang mga alagad at naupo roon. Noon ay malapit na ang Paskwa ng mga Judio. Tumanaw si Jesus at nang makita niyang dumarating ang napakaraming tao, tinanong niya si Felipe, “Saan kaya tayo makakabili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?” Sinabi niya iyon upang subukin si Felipe, sapagkat alam na niya ang kanyang gagawin. Sumagot naman si Felipe, “Kahit na po halagang dalawandaang salaping pilak ng tinapay ay di sasapat para makakain sila nang tigkakaunti.” Sinabi ni Andres na isa sa kanyang mga alagad at kapatid ni Simon Pedro, “Mayroon po ritong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay at dalawang isda. Subalit sasapat kaya ang mga ito?” “Paupuin ninyo ang mga tao,” sabi ni Jesus. Madamo sa lugar na iyon. Umupo nga ang lahat, humigit-kumulang sa limanlibo ang mga lalaki. Kinuha ni Jesus ang tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos ay ipinamahagi iyon sa mga tao. Gayundin ang ginawa niya sa isda. Nakakain ang lahat at nabusog. Nang makakain na ang mga tao, sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Ipunin ninyo ang lumabis nang di masayang.” Ganoon nga ang ginawa nila, at nakapuno sila ng labindalawang kaing. Nang makita ng mga tao ang himalang ginawa ni Jesus, sinabi nila, “Tunay na ito ang Propetang paparito sa sanlibutan!” Nahalata ni Jesus na lalapit ang mga tao at pipilitin siyang gawing hari, kaya't umalis siyang muli at mag-isang umakyat sa bundok. Nang magtatakip-silim na, ang mga alagad ay pumunta sa tabi ng lawa. Sumakay sila sa bangka at naglayag papuntang Capernaum. Madilim na'y wala pa si Jesus. Biglang lumakas ang hangin at lumaki ang alon. Nang makasagwan na sila nang may lima o anim na kilometro, nakita nila si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng tubig papalapit sa bangka, at sila'y natakot. Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag na kayong matakot. Ako si Jesus!” Tuwang-tuwa nilang pinasakay si Jesus; at kaagad na nakarating ang bangka sa kanilang pupuntahan. Alam ng mga taong naiwan sa dalampasigan na iisa lamang ang bangkang naroon. Alam rin nilang si Jesus ay hindi kasama ng mga alagad nang ang mga ito'y sumakay sa bangka dahil ang mga ito lamang ang umalis. Kinabukasan, dumating naman ang ilang bangkang galing sa Tiberias at dumaong sa lugar na malapit sa kinainan nila ng tinapay matapos magpasalamat ang Panginoon. Kaya't nang makita nilang wala na roon si Jesus, ni ang kanyang mga alagad, sila'y sumakay sa mga bangka at pumunta sa Capernaum upang hanapin si Jesus. Nang makita nila si Jesus sa ibayo ng lawa, siya'y tinanong nila, “Guro, kailan pa kayo rito?” Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga himalang nakita ninyo, kundi dahil nakakain kayo ng tinapay at nabusog. Huwag ang pagkaing nasisira ang inyong pagsikapang kamtan, kundi ang pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Iyan ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat siya ang binigyan ng Diyos Ama ng ganitong karapatan.” Kaya't siya'y tinanong nila, “Ano po ang dapat naming gawin upang aming matupad ang ipinapagawa ng Diyos?” “Ito ang ipinapagawa sa inyo ng Diyos, sumampalataya kayo sa sinugo niya,” tugon ni Jesus. “Ano pong himala ang maipapakita ninyo upang sumampalataya kami sa inyo? Ano po ang inyong gagawin? Ang aming mga ninuno ay kumain ng manna sa ilang; ayon sa nasusulat, ‘Sila'y binigyan ni Moises ng tinapay na galing sa langit,’” sabi nila. Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit. Ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit. Dahil ang tinapay na galing sa Diyos ang bumabâ mula sa langit at nagbibigay-buhay sa sangkatauhan.” Sumagot sila, “Ginoo, bigyan po ninyo kaming lagi ng tinapay na ito.” Sinabi ni Jesus, “Ako ang tinapay na nagbibigay-buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman. Ngunit sinabi ko na sa inyo, nakita na ninyo ako, ngunit hindi pa rin kayo sumampalataya sa akin. Lalapit sa akin ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko itataboy kailanman ang sinumang lumalapit sa akin. Ako'y bumabâ mula sa langit, hindi upang gawin ang sarili kong kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin. At ito ang kanyang kalooban: ang huwag kong hayaang mapahamak ang kahit sinuman sa mga ibinigay niya sa akin, kundi ang buhayin ko siyang muli sa huling araw. Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama: ang lahat ng kumilala at sumampalataya sa Anak ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. At sila'y muli kong bubuhayin sa huling araw.” Nagbulung-bulungan ang mga Judio dahil sa sinabi niyang, “Ako ang tinapay na bumabâ mula sa langit.” Sinabi nila, “Hindi ba ito si Jesus na anak ni Jose? Kilala natin ang kanyang ama't ina. Paano niya masasabi ngayong, ‘Bumabâ ako mula sa langit’?” Kaya't sinabi ni Jesus, “Tigilan ninyo ang inyong bulung-bulungan. Walang makakalapit sa akin malibang akayin siya sa akin ng Ama na nagsugo sa akin. At ang lalapit sa akin ay muli kong bubuhayin sa huling araw. Nasusulat sa aklat ng mga propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ng Diyos.’ Ang bawat nakikinig sa Ama at natututo sa kanya ay lalapit sa akin. Hindi ito nangangahulugang may nakakita na sa Ama; ang nagmula sa Diyos ang tanging nakakita sa Ama. Pakatandaan ninyo: ang sumasampalataya sa akin ay may buhay na walang hanggan. Ako nga ang tinapay na nagbibigay-buhay. Kumain ng manna ang inyong mga ninuno nang sila'y nasa ilang, ngunit sila'y namatay. Narito ang tinapay na bumabâ mula sa langit upang ang sinumang kumain nito ay hindi na mamatay. Ako nga ang tinapay na nagbibigay-buhay na bumabâ mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. At ang tinapay ay ang aking katawan na ibibigay ko upang mabuhay ang sangkatauhan.” Dahil dito'y nagkaroon ng mainitang pagtatalu-talo ang mga Judio, “Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang makain natin?” Sinabi ni Jesus, “Pakatandaan ninyo: malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw. Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako naman sa kanya. Buháy ang Ama na nagsugo sa akin at ako'y nabubuhay dahil sa kanya. Gayundin naman, ang sinumang kumain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. Ito ang tinapay na bumabâ mula sa langit. Hindi ito katulad ng kinain ng inyong mga ninuno sa ilang; namatay sila kahit na kumain niyon. Ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.” Sinabi ito ni Jesus sa sinagoga habang siya'y nagtuturo sa Capernaum. Narinig ito ng kanyang mga alagad at marami sa kanila ang nagsabi, “Mabigat na pananalita ito; sino ang makakaunawa nito?” Alam ni Jesus na nagbubulung-bulungan ang kanyang mga alagad tungkol dito; kaya't sinabi niya, “Dahil ba rito'y tatalikuran na ninyo ako? Gaano pa kaya kung makita ninyong umaakyat ang Anak ng Tao papunta sa dati niyang kinaroroonan? Ang Espiritu ang nagbibigay-buhay; hindi ito magagawa ng tao. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay espiritung nagbibigay-buhay. Ngunit may ilan sa inyong hindi nananalig sa akin.” Alam na ni Jesus buhat pa noong una kung sinu-sino ang hindi mananalig sa kanya, at kung sino ang magkakanulo sa kanya. Idinugtong pa niya, “Iyan ang dahilan kaya ko sinabi sa inyo na walang makakalapit sa akin malibang ito'y loobin ng Ama.” Mula noo'y marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na sumama sa kanya. Tinanong ni Jesus ang Labindalawa, “Kayo naman, gusto rin ba ninyong umalis?” Sumagot si Simon Pedro, “Panginoon, kanino pa po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Naniniwala kami at ngayo'y natitiyak namin na kayo nga ang Banal na mula sa Diyos.” Sumagot si Jesus, “Hindi ba't ako ang humirang sa inyong Labindalawa? Sa kabila nito'y diyablo ang isa sa inyo!” Ang tinutukoy niya'y si Judas na anak ni Simon Iscariote, sapagkat si Judas na kabilang sa Labindalawa, ang siyang magkakanulo sa kanya. Pagkatapos nito'y nilibot ni Jesus ang Galilea. Iniiwasan niya ang Judea dahil nais siyang patayin ng mga pinuno ng mga Judio roon. Nalalapit na noon ang Pista ng mga Tolda, isa sa mga pista ng mga Judio, kaya't sinabi kay Jesus ng kanyang mga kapatid, “Bakit hindi ka umalis dito at pumunta sa Judea para makita ng iyong mga tagasunod ang ginagawa mo? Walang taong naglilihim ng kanyang ginagawa kung ang hangad niya'y maging tanyag. Ginagawa mo rin lamang ang mga bagay na ito, magpakilala ka na sa sanlibutan.” Maging ang mga kapatid ni Jesus ay hindi nananalig sa kanya. Sumagot si Jesus, “Hindi pa ito ang tamang panahon; sa inyo'y maaari kahit anong panahon. Hindi kayo kapopootan ng sanlibutan, ngunit ako'y kinapopootan nila, sapagkat pinapatotohanan kong pawang masasama ang mga gawa nito. Kayo na lamang ang pumunta sa pista. Hindi ako pupunta sapagkat hindi pa ito ang tamang panahon.” Pagkasabi nito, nagpaiwan siya sa Galilea. Pagkaalis ng kanyang mga kapatid, si Jesus ay palihim na pumunta rin sa pista. Hinahanap siya roon ng mga Judio. “Nasaan kaya siya?” tanong nila. Pabulong na pinag-uusapan siya ng marami. “Siya'y mabuting tao,” sabi ng ilan. “Hindi, inililigaw niya ang mga tao,” sabi naman ng iba. Ngunit walang nangahas magsalita nang hayagan tungkol sa kanya dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio. Nang kalagitnaan na ng pista, pumasok si Jesus sa Templo at nagsimula na namang magturo. Nagtataka ang mga pinuno ng mga Judio at naitanong nila, “Saan kaya nakakuha ng karunungan ang taong ito gayong hindi naman siya nakapag-aral?” Kaya't sinabi ni Jesus, “Hindi sa akin ang itinuturo ko, kundi sa nagsugo sa akin. Kung talagang nais ninumang sumunod sa kalooban ng Diyos, malalaman niya kung ang itinuturo ko'y mula nga sa Diyos, o kung ang sinasabi ko ay galing lamang sa akin. Ang nagtuturo ng galing sa sarili niyang kaisipan ay naghahangad ng sariling karangalan. Ngunit ang taong naghahangad na maparangalan ang nagsugo sa kanya ay taong tapat at hindi sinungaling. Hindi ba't ibinigay sa inyo ni Moises ang Kautusan? Bakit wala ni isa man sa inyo ang tumutupad nito? Bakit nais ninyo akong patayin?” Sumagot ang mga tao, “Isa kang hangal! Sino ba ang gustong pumatay sa iyo?” Sumagot si Jesus, “Isang bagay pa lamang ang ginawa ko'y nagtataka na kayong lahat. Ibinigay sa inyo ni Moises ang utos tungkol sa pagtutuli kahit na hindi ito nagmula sa kanya kundi sa inyong mga ninuno, at ginagawa ninyo ito kahit Araw ng Pamamahinga. Kung tinutuli ang isang sanggol na lalaki kahit Araw ng Pamamahinga para masunod ang utos ni Moises, bakit kayo nagagalit sa akin dahil sa nagpagaling ako ng isang tao sa Araw ng Pamamahinga? Huwag na kayong humatol batay sa nakikita, kundi humatol kayo ayon sa nararapat.” Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba ito ang taong nais nilang patayin? Hayan! Lantaran siyang nangangaral, ngunit wala silang sinasabi laban sa kanya! Baka naman nakilala ng mga pinuno na siya na nga ang Cristo! Ngunit pagdating ng Cristo ay walang makakaalam kung saan siya magmumula, subalit alam natin kung saan nagmula ang taong ito!” Kaya't habang si Jesus ay nagtuturo sa Templo, sumigaw siya, “Ako ba'y talagang kilala ninyo? Alam nga ba ninyo kung saan ako nagmula? Hindi ako naparito dahil sa aking sariling kagustuhan lamang. Karapat-dapat pagtiwalaan ang nagsugo sa akin. Hindi ninyo siya nakikilala, ngunit nakikilala ko siya, sapagkat sa kanya ako nagmula, at siya ang nagsugo sa akin.” Nais na siyang dakpin ng ilang naroroon, ngunit walang nangahas sapagkat hindi pa dumarating ang tamang panahon. Marami sa mga tao ang nanalig sa kanya. Ang sabi nila, “Pagparito ng Cristo, makakagawa kaya siya ng mga himalang higit pa sa mga ginawa ng taong ito?” Nakarating sa mga Pariseo ang usap-usapan ng mga tao tungkol kay Jesus, kaya't inutusan nila at ng mga punong pari ang ilang bantay sa Templo upang dakpin si Jesus. Sinabi ni Jesus, “Makakasama pa ninyo ako nang kaunting panahon at babalik na ako sa nagsugo sa akin. Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako makikita sapagkat hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.” Nag-usap-usap ang mga Judio, “Saan kaya pupunta ang taong ito at hindi na raw natin siya makikita? Pupunta kaya siya sa ating mga kababayang nasa lupain ng mga Griego upang magturo sa kanila? Ano kaya ang ibig niyang sabihin nang kanyang sinabing, ‘Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako makikita,’ at ‘Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko’?” Sa kahuli-hulihan at pinakatanging araw ng pista, tumayo si Jesus at nagsalita nang malakas, “Kayong mga nauuhaw ay lumapit sa akin, at ang lahat ng nananalig sa akin ay uminom. Sapagkat sinasabi sa kasulatan, ‘Mula sa puso ng nananalig sa akin ay dadaloy ang tubig na nagbibigay-buhay.’” Ang tinutukoy niya'y ang Espiritung tatanggapin ng mga sumasampalataya sa kanya. Sapagkat hindi pa naipagkakaloob noon ang Espiritu dahil si Jesus ay hindi pa muling nabuhay at niluwalhati. Sinabi ng ilang nakarinig sa kanya, “Tunay ngang ito ang Propetang hinihintay natin!” “Siya na nga ang Cristo!” sabi naman ng iba. Ngunit mayroon namang sumagot, “Maaari bang magmula sa Galilea ang Cristo? Hindi ba sinasabi sa kasulatan na ang Cristo ay magmumula sa lipi ni David, at ipanganganak sa Bethlehem na bayan ni David?” Magkakaiba ang palagay ng mga tao tungkol sa kanya. Gusto ng ilan na dakpin siya, ngunit wala namang mangahas na humuli sa kanya. Nang bumalik ang mga bantay ng Templo, tinanong sila ng mga punong pari at mga Pariseo, “Bakit hindi ninyo siya dinala rito?” Sumagot sila, “Wala pa po kaming narinig na nagsalita nang tulad niya!” “Pati ba kayo'y nalinlang na rin?” tanong ng mga Pariseo. “Mayroon bang pinuno o Pariseong naniniwala sa kanya? Mga tao lamang na walang nalalaman sa Kautusan ang naniniwala sa kanya, kaya't sila'y mga sinumpa!” Isa sa mga naroon ay si Nicodemo, ang Pariseong nagsadya kay Jesus noong una. At siya'y nagtanong, “Hindi ba't labag sa ating Kautusan na hatulan ang isang tao nang di muna nililitis at inaalam kung ano ang kanyang ginawa?” Sumagot sila, “Ikaw ba'y taga-Galilea rin? Saliksikin mo ang Kasulatan at makikita mong walang propetang magmumula sa Galilea.” [ Pagkatapos nito, umuwi na ang lahat. Si Jesus naman ay pumunta sa Bundok ng mga Olibo. Kinabukasan, maaga pa'y nagbalik na siya sa Templo. Lumapit sa kanya ang lahat kaya't umupo siya at nagsimula siyang magturo. Dumating noon ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na may dalang isang babaing nahuli sa pangangalunya. Iniharap nila ito sa karamihan, at sinabi kay Jesus, “Guro, ang babaing ito'y nahuli sa aktong pangangalunya. Ayon sa Kautusan ni Moises, dapat batuhin hanggang sa mamatay ang mga katulad niya. Ano naman ang masasabi ninyo?” Itinanong nila ito upang subukin siya, at nang may maiparatang sila laban sa kanya. Ngunit yumuko lamang si Jesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng daliri. Patuloy sila sa pagtatanong kaya't tumayo si Jesus at nagsalita, “Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya.” At muli siyang yumuko at sumulat sa lupa. Nang marinig nila iyon, sila'y isa-isang umalis, simula sa pinakamatanda. Iniwan nila ang babaing nakatayo sa harap ni Jesus. Tumayo si Jesus at tinanong ang babae, “Nasaan sila? Wala na bang humahatol sa iyo?” “Wala po, Ginoo,” sagot ng babae. Sinabi ni Jesus, “Hindi rin kita hahatulan. Umuwi ka na, at mula ngayon ay huwag ka nang gumawa ng kasalanan.”] Muling nagsalita si Jesus sa mga Pariseo. Sinabi niya, “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay magkakaroon ng ilaw sa kanyang buhay at di na lalakad sa kadiliman.” Sinabi naman sa kanya ng mga Pariseo, “Ikaw lang ang nagpapatotoo tungkol sa iyong sarili; walang kabuluhan ang ganyang patotoo.” Sumagot si Jesus, “Kahit ako ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, totoo naman ang aking sinasabi, sapagkat alam ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. Ngunit hindi ninyo alam ang aking pinanggalingan at ang aking pupuntahan. Humahatol kayo ayon sa mga pamantayan ng tao, ngunit hindi ako humahatol kaninuman. At humatol man ako, tama ang aking paghatol, sapagkat hindi lamang ako ang humahatol, kundi kasama ko ang Ama na nagsugo sa akin. Nasusulat sa inyong Kautusan na dapat tanggapin ang patotoo ng dalawang saksi. Nagpatotoo ako tungkol sa aking sarili, at nagpapatotoo rin ang Ama na nagsugo sa akin.” Siya'y tinanong nila, “Nasaan ang iyong ama?” Sumagot si Jesus, “Hindi ninyo ako kilala, at hindi rin ninyo kilala ang aking Ama. Kung kilala ninyo ako, kilala rin ninyo siya.” Ito'y sinabi ni Jesus nang siya'y nagtuturo sa Templo, sa dakong kinaroroonan ng mga lalagyan ng mga alay. Ngunit walang nangahas na humuli sa kanya sapagkat hindi pa iyon ang itinakdang panahon. Muling sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako'y aalis at hahanapin ninyo ako; ngunit hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko. Mamamatay kayo nang hindi pa napapatawad ang inyong mga kasalanan.” Nag-usap-usap ang mga Judio, “Magpapakamatay kaya siya kaya niya sinabing ‘Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko’?” Kaya't sinabi ni Jesus, “Kayo'y mula dito sa ibaba, ako'y mula sa itaas. Kayo'y taga-sanlibutang ito, ngunit ako'y hindi, kaya sinabi ko sa inyong mamamatay kayo nang hindi pa napapatawad sa inyong mga kasalanan. Kung hindi kayo maniniwalang ‘Ako'y Ako Nga’, mamamatay nga kayo nang hindi pa napapatawad sa inyong mga kasalanan.” “Sino ka nga bang talaga?” tanong nila. Sumagot si Jesus, “Matagal ko nang sinabi sa inyo kung sino ako. Marami akong masasabi at maihahatol laban sa inyo. Ngunit totoo ang sinasabi ng nagsugo sa akin, at ang narinig ko sa kanya ang ipinapahayag ko sa sanlibutan.” Hindi nila nauunawaan na ang Ama ang tinutukoy niya. Kaya't sinabi ni Jesus, “Kapag naitaas na ninyo ang Anak ng Tao, malalaman ninyong ‘Ako'y Ako Nga.’ Wala akong ginagawa batay sa sarili kong kapangyarihan. Ang ipinapasabi lamang ng Ama ang siya kong sinasabi, at kasama ko ang nagsugo sa akin at hindi niya ako iniiwan, sapagkat lagi kong ginagawa ang kalugud-lugod sa kanya.” Maraming nakarinig nito ang sumampalataya sa kanya. Sinabi naman ni Jesus sa mga Judiong naniniwala sa kanya, “Kung tinutupad ninyo ang aking aral, kayo nga'y tunay na mga alagad ko; makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Sumagot sila, “Kami ay mula sa lahi ni Abraham, at kailanma'y hindi kami naalipin ninuman. Paano mo masasabing palalayain kami?” Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: ang namumuhay sa kasalanan ay alipin ng kasalanan. Ang alipin ay hindi kabilang sa pamilya sa habang panahon, subalit ang anak ay kabilang magpakailanman. Kayo'y tunay na lalaya kapag pinalaya kayo ng Anak. Nalalaman kong mula kayo kay Abraham, ngunit pinagsisikapan ninyo akong patayin, sapagkat ayaw ninyong tanggapin ang aking mga aral. Ang nakita ko sa aking Ama ang siya kong sinasabi sa inyo, at ang narinig ninyo sa inyong ama ang siya namang ginagawa ninyo.” Sumagot sila, “Si Abraham ang aming ama.” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Kung kayo'y tunay na mga anak ni Abraham, tinularan sana ninyo ang kanyang ginawa. Sinasabi ko lang ang katotohanang narinig ko mula sa Diyos ngunit pinagsisikapan ninyong ako'y patayin. Hindi ganoon ang ginawa ni Abraham. Ang ginagawa ninyo'y tulad ng ginawa ng inyong ama.” Sumagot sila, “Hindi kami mga anak sa labas. Iisa ang aming Ama, ang Diyos.” Sinabi ni Jesus, “Kung talagang ang Diyos ang inyong Ama, inibig sana ninyo ako, sapagkat sa Diyos ako nanggaling. Hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan, kundi isinugo niya ako. Bakit di ninyo maunawaan ang sinasabi ko? Hindi ba't ito'y dahil sa ayaw n'yong tanggapin ang itinuturo ko? Ang diyablo ang inyong ama! At ang kagustuhan niya ang ibig ninyong gawin. Noon pa man ay mamamatay-tao na siya. Hindi siya pumanig sa katotohanan kailanman, sapagkat walang puwang sa kanya ang katotohanan. Likas sa kanya ang magsinungaling, sapagkat siya'y talagang sinungaling, at siya ang ama ng kasinungalingan. Ayaw ninyong maniwala sa akin sapagkat katotohanan ang sinasabi ko sa inyo. Sino sa inyo ang maaaring magpatunay na ako'y nagkasala? At kung katotohanan ang sinasabi ko, bakit ayaw ninyong maniwala sa akin? Ang mula sa Diyos ay dumirinig ng mga salita ng Diyos, subalit ayaw ninyong makinig sa akin sapagkat kayo'y hindi mula sa Diyos.” Sinabi ng mga Judio kay Jesus, “Hindi ba tama ang sinabi naming ikaw ay Samaritano at sinasapian ng demonyo?” Sumagot si Jesus, “Hindi ako sinasapian ng demonyo. Pinaparangalan ko ang aking Ama ngunit ako'y nilalapastangan ninyo. Hindi ako naghahangad na ako'y parangalan; may isang nagsisikap na ako'y parangalan, at siya ang magpapasya. Pakatandaan ninyo: ang tumutupad ng aking salita ay hindi mamamatay kailanman.” Sinabi ng mga Judio, “Ngayo'y natitiyak naming sinasapian ka nga ng demonyo. Namatay si Abraham at ang mga propeta, ngunit sinasabi mong hindi mamamatay kailanman ang sinumang tumutupad ng iyong aral. Mas magaling ka pa ba kaysa sa aming amang si Abraham? Siya'y namatay, gayundin ang mga propeta. Ano ba ang palagay mo sa iyong sarili?” Sumagot si Jesus, “Kung ako ang nagpaparangal sa aking sarili, walang kabuluhan iyon. Ang nagpaparangal sa akin ay ang aking Ama at sinasabi ninyong siya ang inyong Diyos. Hindi ninyo siya kilala, ngunit siya'y kilala ko. Kung sasabihin kong hindi ko siya kilala, ako'y magiging sinungaling na tulad ninyo. Subalit kilala ko siya at sinusunod ko ang kanyang sinasabi. Natuwa ang inyong amang si Abraham nang malaman niyang makikita niya ang araw ng aking pagdating. Nakita nga niya ito at siya'y nagalak.” Dahil dito'y sinabi sa kanya ng mga Judio, “Wala ka pang limampung taóng gulang, paano mo masasabing nakita mo na si Abraham?” Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: bago pa ipinanganak si Abraham, ‘Ako ay Ako Na’.” Nagsidampot sila ng bato upang siya'y batuhin, ngunit nagtago si Jesus at lumabas ng Templo. Sa paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking ipinanganak na bulag. Tinanong siya ng kanyang mga alagad, “Guro, sino po ang nagkasala at ipinanganak na bulag ang lalaking ito, siya ba o ang kanyang mga magulang?” Sumagot si Jesus, “Ipinanganak siyang bulag, hindi dahil sa nagkasala siya, o ang kanyang mga magulang, kundi upang mahayag ang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan niya. Kailangang gawin natin ang mga ipinapagawa ng nagsugo sa akin habang umaga pa; malapit na ang gabi, at wala nang makakagawa pagsapit niyon. Habang ako'y nasa sanlibutan, ako ang ilaw ng sanlibutan.” Pagkasabi nito, dumura si Jesus sa lupa at gumawa ng putik. Pagkatapos, ipinahid niya ito sa mata ng bulag. Sinabi ni Jesus sa bulag, “Pumunta ka sa deposito ng tubig sa Siloe at maghilamos ka roon.” Ang kahulugan ng salitang Siloe ay Sinugo. Ganoon nga ang ginawa ng bulag, at nang magbalik siya ay nakakakita na. Nagsalita ang mga kapitbahay niya at ang mga nakakita sa kanya noong siya'y namamalimos pa, “Hindi ba iyan ang pulubing bulag?” Sumagot ang ilan, “Iyan nga!” Sabi naman ng iba, “Hindi! Kamukha lang.” Kaya't nagsalita ang dating bulag, “Ako nga po iyon.” “Paano kang nakakita?” tanong nila. Sumagot siya, “Ang lalaking tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik at ipinahid iyon sa aking mata. Pagkatapos, sinabi niya sa akin, ‘Pumunta ka sa Siloe at maghilamos.’ Pumunta nga ako doon at naghilamos, at nakakita na ako!” “Nasaan siya?” tanong nila sa kanya. “Hindi ko alam,” sagot niya. Dinala ng mga tao sa mga Pariseo ang dating bulag, dahil Araw ng Pamamahinga nang gumawa si Jesus ng putik at nang pinagaling niya ang bulag. Tinanong din siya ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. Kaya't sinabi niya sa kanila, “Pinahiran niya ng putik ang aking mga mata, ako'y pinaghilamos at ngayo'y nakakakita na ako.” Ang sabi ng ilang Pariseo, “Hindi maaaring mula sa Diyos ang taong iyon, sapagkat hindi niya ipinapangilin ang Araw ng Pamamahinga.” Ngunit sinabi naman ng iba, “Paanong makakagawa ng ganitong mga himala ang isang makasalanan?” At hindi sila magkaisa. Kaya't tinanong nilang muli ang dating bulag, “At ikaw, ano naman ang masasabi mo tungkol sa kanya, dahil pinagaling niya ang iyong mga mata?” “Isa siyang propeta!” sagot niya. Ayaw maniwala ng mga Judio na siya'y talagang dating bulag kaya't ipinatawag nila ang kanyang mga magulang. “Anak nga ba ninyo ito? Talaga bang siya'y ipinanganak na bulag? Bakit nakakakita na siya ngayon?” tanong nila. Sumagot ang kanyang mga magulang, “Anak nga namin siya at siya'y ipinanganak ngang bulag. Ngunit hindi po namin alam kung bakit nakakakita na siya ngayon, o kung sino ang nagpagaling sa kanya. Siya na po ang tanungin ninyo. May sapat na gulang siya at makakapagsalita na para sa kanyang sarili!” Ganoon ang sabi ng kanyang mga magulang dahil takot sila sa mga Judio. Alam nilang pinagkaisahan ng mga Judio na itiwalag sa sinagoga ang sinumang magpahayag na si Jesus ang Cristo. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ng kanyang mga magulang, “Siya'y nasa tamang gulang na, siya ang tanungin ninyo.” Muli nilang ipinatawag ang dating bulag at sinabi sa kanya, “Sa pangalan ng Diyos, magsabi ka ng totoo. Alam naming ang taong iyon ay makasalanan.” Sumagot siya, “Hindi ko po alam kung siya'y masamang tao, o hindi. Isang bagay po ang alam ko; ako'y dating bulag, subalit ngayo'y nakakakita na.” “Ano ang ginawa niya sa iyo? Paano niyang pinagaling ang iyong mga mata?” tanong nila. Sumagot siya, “Sinabi ko na po sa inyo, at ayaw naman ninyo akong paniwalaan. Bakit gusto ninyong marinig muli? Nais ba ninyong maging alagad din niya?” At siya'y kanilang minura, “Ikaw ay alagad niya! Ngunit kami'y mga alagad ni Moises. Nalalaman naming nagsalita ang Diyos kay Moises ngunit ang taong iyon, ni hindi namin alam kung saan siya nanggaling!” Sumagot ang lalaki, “Iyan nga po ang nakapagtataka! Hindi ninyo alam kung saan siya nanggaling, gayunpaman, pinagaling niya ang aking mga mata. Alam nating hindi pinapakinggan ng Diyos ang mga makasalanan, ngunit pinapakinggan niya ang mga tunay na sumasamba sa kanya at sumusunod sa kanyang kalooban. Noon pa man ay walang nakapagpapagaling ng mata ng taong ipinanganak na bulag. Wala pong magagawa ang taong iyon kung siya'y hindi mula sa Diyos!” Sumagot sila, “Ipinanganak kang makasalanan at ngayo'y nais mo pa kaming turuan!” At siya'y kanilang itiniwalag. Nabalitaan ni Jesus na ang lalaking pinagaling niya ay itiniwalag ng mga Pariseo. Kaya't nang matagpuan niya ito ay kanyang tinanong, “Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?” Sumagot ang lalaki, “Sino po ba siya, Ginoo? Sabihin ninyo sa akin upang ako'y manalig sa kanya.” “Siya'y nakita mo na. Siya ang kausap mo ngayon,” wika ni Jesus. “Sumasampalataya po ako, Panginoon!” sabi ng lalaki. At sinamba niya si Jesus. Sinabi pa ni Jesus, “Naparito ako sa mundong ito upang humatol, at nang sa gayo'y makakita ang mga bulag at mabulag naman ang mga nakakakita.” Narinig ito ng ilang Pariseong naroon at siya'y kanilang tinanong, “Ibig mo bang sabihi'y mga bulag kami?” Sumagot si Jesus, “Kung kayo nga'y bulag, wala sana kayong kasalanan. Ngunit dahil sinasabi ninyong nakakakita kayo, ang kasalanan ay nananatili sa inyo.” “Pakatandaan ninyo: ang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi sa pinto nagdaraan, kundi umaakyat sa di dapat pagdaanan ay magnanakaw at tulisan. Ang tunay na pastol ay sa pintuan nagdaraan. Pinapapasok siya ng gwardiya, at pinapakinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kani-kanilang pangalan, at inilalabas sa kulungan. Kapag nailabas na, siya'y nangunguna sa kanila at sumusunod naman ang mga ito sapagkat kilala nila ang kanyang tinig. Hindi sila sumusunod sa iba, kundi patakbong lumalayo, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng iba.” Sinabi ni Jesus ang talinhagang ito ngunit hindi nila naunawaan ang ibig niyang sabihin. Kaya't muling sinabi ni Jesus, “Pakatandaan ninyo: ako nga ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. Ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako nga ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko'y maliligtas. Papasok siya't lalabas, at makakatagpo ng pastulan. Dumarating ang magnanakaw para lamang magnakaw, pumatay, at manira. Naparito ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, ng isang buhay na masagana at ganap. “Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa. Ang bayaran ay tumatakas kapag may dumarating na asong-gubat. Iniiwan niya ang mga tupa, palibhasa'y hindi siya pastol at hindi kanya ang mga ito. Kaya't sinusunggaban ng asong-gubat ang mga ito at binubulabog. Tumatakas siya, palibhasa'y bayaran lamang at walang malasakit sa mga tupa. Mayroon akong iba pang mga tupa na wala pa sa kulungang ito. Kinakailangang sila'y ipasok ko rin at papakinggan naman nila ang aking tinig. Sa gayon, magiging isa na lamang ang kawan at isa ang pastol. “Dahil dito'y minamahal ako ng Ama, sapagkat iniaalay ko ang aking buhay upang ito'y kunin kong muli. Walang makakakuha ng aking buhay; kusa ko itong ibinibigay. Mayroon akong kapangyarihang ibigay ito at kuning muli. Ito ang utos na tinanggap ko sa aking Ama.” Dahil sa mga pananalitang ito, hindi na naman nagkaisa ng palagay ang mga Judio. Marami sa kanila ang nagsabi, “Sinasapian siya ng demonyo at nababaliw! Bakit kayo makikinig sa kanya?” Sinabi naman ng iba, “Hindi makakapagsalita nang ganoon ang isang sinasapian ng demonyo! Nakapagpapagaling ba ng bulag ang demonyo?” Taglamig na noon at kasalukuyang ipinagdiriwang sa Jerusalem ang Pista ng Pagtatalaga ng Templo. Habang naglalakad si Jesus sa Templo, sa Portiko ni Solomon, pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya, “Hanggang kailan mo kami ilalagay sa alanganin? Kung ikaw nga ang Cristo, sabihin mo na nang tuwiran.” Sumagot si Jesus, “Sinabi ko na sa inyo, ngunit ayaw ninyong maniwala. Ang mga ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ang nagpapatotoo tungkol sa akin. Ngunit ayaw ninyong maniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan. Kailanma'y hindi sila mapapahamak at hindi sila maaagaw sa akin ninuman. Ang aking Ama na siyang nagbigay sa kanila sa akin ay lalong dakila sa lahat, at hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. Ako at ang Ama ay iisa.” Ang mga pinuno ng mga Judio'y muling dumampot ng bato upang batuhin siya. Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Marami akong mabubuting gawang ipinakita sa inyo mula sa Ama. Alin ba sa mga ito ang dahilan at ako'y inyong babatuhin?” Sumagot ang mga pinuno ng mga Judio, “Hindi dahil sa mabubuting gawa kaya ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan mo sa Diyos! Sapagkat nagpapanggap kang Diyos, bagama't tao ka lamang.” Tumugon si Jesus, “Hindi ba nasusulat sa inyong Kautusan, ‘Sinabi ko, mga diyos kayo’? Mga diyos ang tawag ng Kautusan sa mga pinagkatiwalaan ng salita ng Diyos, at hindi maaaring ipawalang-bisa ang sinasabi ng kasulatan. Ako'y pinili at isinugo ng Ama; paano ninyo ngayon masasabing nilalapastangan ko ang Diyos dahil sa sinabi kong ako ang Anak ng Diyos? Kung hindi ko ginagawa ang mga ipinapagawa ng aking Ama, huwag ninyo akong paniwalaan. Ngunit kung ginagawa ko ang mga ito, paniwalaan ninyo ang aking mga gawa kung ayaw ninyong maniwala sa akin. Sa gayon, matitiyak ninyong nasa akin ang Ama at ako'y nasa kanya.” Kaya't tinangka na naman nilang dakpin si Jesus, ngunit siya'y nakaalis. Muling pumunta si Jesus sa ibayo ng Jordan, sa pook na dating pinagbabautismuhan ni Juan. Habang naroroon siya'y maraming lumalapit sa kanya. Sinasabi nila, “Si Juan ay walang ginawang himala ngunit totoo ang lahat ng sinabi niya tungkol sa taong ito.” At doo'y maraming sumampalataya kay Jesus. Sa bayan ng Bethania ay may isang taong nagkasakit. Siya si Lazaro na kapatid nina Marta at Maria. Si Maria ang nagbuhos ng pabango sa paa ng Panginoon at pagkatapos ay pinunasan iyon ng kanyang buhok. Dahil may sakit si Lazaro, nagpasabi kay Jesus ang magkapatid, “Panginoon, ang minamahal ninyong kaibigan ay may sakit.” Nang marinig ito ni Jesus ay sinabi niya, “Hindi niya ikamamatay ang sakit na ito. Nangyari iyon upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito'y maparangalan ang Anak ng Diyos.” Mahal ni Jesus ang magkakapatid na Marta, Maria at Lazaro. Gayunman, nagpalipas pa siya doon ng dalawang araw mula nang mabalitaang may sakit si Lazaro. Pagkatapos nito, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Magbalik tayo sa Judea.” Sumagot ang mga alagad, “Guro, hindi po ba't kamakailan lamang ay pinagtangkaan kayong batuhin ng mga pinuno ng mga Judio? Bakit pupunta na naman kayo doon?” Sinabi ni Jesus, “Hindi ba't may labindalawang oras sa maghapon? Hindi matitisod ang lumalakad kung umaga sapagkat nakikita niya ang nagbibigay-liwanag sa daigdig na ito. Subalit natitisod ang lumalakad kung gabi sapagkat wala na siyang liwanag.” Idinugtong pa ni Jesus, “Natutulog ang kaibigan nating si Lazaro. Pupunta ako upang gisingin siya.” “Panginoon, kung natutulog lang po siya ay gagaling siya,” sagot ng mga alagad. Ang ibig sabihin ni Jesus ay patay na si Lazaro, ngunit ang akala ng mga alagad ay talagang natutulog lamang ito. Dahil dito'y tuwirang sinabi ni Jesus, “Patay na si Lazaro; ngunit ako'y nagagalak dahil wala ako roon upang kayo'y sumampalataya sa akin. Tayo na, puntahan natin siya.” Niyaya ni Tomas, na tinatawag na Kambal, ang kanyang mga kasama, “Sumama tayo sa Guro, mamamatay tayong kasama niya.” Pagdating ni Jesus, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. May tatlong kilometro lamang ang layo ng Jerusalem sa Bethania, kaya't maraming taga-Jerusalem ang dumalaw kina Marta at Maria upang makiramay sa pagkamatay ng kanilang kapatid. Nang mabalitaan ni Marta na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito, ngunit si Maria nama'y naiwan sa bahay. Sinabi ni Marta, “Panginoon, kung kayo po ay narito, buháy pa sana ang kapatid ko. Subalit nalalaman kong kahit ngayo'y ipagkakaloob sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.” “Muling mabubuhay ang iyong kapatid,” sabi ni Jesus. Sumagot si Marta, “Nalalaman ko pong siya'y mabubuhay muli sa huling araw.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang nagbibigay-buhay at muling pagkabuhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay; at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko?” Sumagot siya, “Opo, Panginoon! Sumasampalataya po ako sa inyo at naniniwalang kayo nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos na paparito sa daigdig.” Pagkasabi nito, umuwi si Marta. Tinawag niya si Maria at binulungan, “Naririto na ang Guro at ipinapatawag ka.” Pagkarinig nito'y nagmadaling tumayo si Maria upang salubungin si Jesus. Wala pa si Jesus sa nayon; naroon pa lamang siya sa lugar kung saan siya sinalubong ni Marta. Nang makitang si Maria'y nagmamadaling tumayo at lumabas, sinundan siya ng mga Judiong nakikiramay sa kanila. Akala nila'y pupunta siya sa libingan upang umiyak. Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, nagpatirapa siya sa paanan nito at nagsabi, “Panginoon, kung narito po lamang kayo, hindi sana namatay ang aking kapatid.” Nahabag si Jesus at nabagbag ang kanyang kalooban nang makita niyang umiiyak si Maria, pati ang mga Judiong kasama nito. “Saan ninyo siya inilibing?” tanong ni Jesus. Sumagot sila, “Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.” Tumangis si Jesus, kaya't sinabi ng mga Judio, “Talagang mahal na mahal niya si Lazaro!” Sinabi naman ng ilan, “Napagaling niya ang bulag, bakit hindi niya nahadlangan ang pagkamatay ni Lazaro?” Muling nabagbag ang kalooban ni Jesus pagdating sa libingan. Ang pinaglibingan kay Lazaro ay isang yungib na natatakpan ng malaking bato. “Alisin ninyo ang bato,” utos ni Jesus. Ngunit sumagot si Marta, “Panginoon, nangangamoy na po siya ngayon; apat na araw na siyang patay.” Sinabi ni Jesus, “Hindi ba't sinabi ko sa iyo na kung sasampalataya ka sa akin ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?” Kaya't inalis nila ang bato. Tumingala si Jesus sa langit at sinabi, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat dinirinig mo ako, at alam kong lagi mo akong diringgin. Ngunit sinasabi ko ito dahil sa mga taong naririto, upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.” Pagkasabi nito ay sumigaw siya, “Lazaro, lumabas ka!” Lumabas nga si Lazaro na nababalot ng telang panlibing ang mga kamay at paa; may nakatakip ring tela sa mukha. Inutos ni Jesus sa kanila, “Kalagan ninyo siya at nang makalaya.” Marami sa mga Judiong dumalaw kina Maria ang nakakita sa ginawa ni Jesus, at sumampalataya sila sa kanya. Ngunit may ilan sa kanila na pumunta sa mga Pariseo at ibinalita ang ginawa ni Jesus. Kaya't tinipon ng mga punong pari at mga Pariseo ang mga kagawad ng Sanedrin. Kanilang sinabi, “Ano ang gagawin natin? Gumagawa ng maraming himala ang taong ito. Kung siya'y pababayaan nating magpatuloy sa kanyang mga ginagawa, maniniwala sa kanya ang lahat. Paparito ang mga Romano at wawasakin ang Templo at pahihirapan ang ating bansa.” Ngunit ang isa sa kanila, si Caifas na siyang pinakapunong pari noon, ay nagsabing, “Wala kayong alam! Hindi ba ninyo naiisip na mas mabuti sa atin na isang tao lamang ang mamatay alang-alang sa bayan, kaysa mapahamak ang buong bansa?” Hindi mula sa kanyang sarili ang sinabi niyang ito. Bilang pinakapunong pari nang taon na iyon, ipinahayag niyang dapat mamatay si Jesus alang-alang sa kanilang bansa upang tipunin ang mga nakakalat na mga anak ng Diyos. Mula noon, pinag-isipan na nila kung paano maipapapatay si Jesus. Dahil dito, si Jesus ay hindi na hayagang naglingkod sa Judea. Sa halip, siya'y nagpunta sa Efraim, isang bayang malapit sa ilang, at doon muna tumigil kasama ng kanyang mga alagad. Nalalapit na ang Pista ng Paskwa. Maraming taga-lalawigan ang pumunta sa Jerusalem bago sumapit ang kapistahan upang isagawa ang seremonya ng paglilinis. Hinahanap nila si Jesus sa Templo, at sila'y nagtatanungan, “Ano sa palagay ninyo? Paparito kaya siya sa pista?” Ipinag-utos ng mga punong pari at ng mga Pariseo na ipagbigay-alam sa kanila ng mga tao kapag nalaman nila kung nasaan si Jesus upang ito'y maipadakip nila. Anim na araw bago sumapit ang Pista ng Paskwa, si Jesus ay nagpunta sa Bethania, ang bayan ni Lazaro na kanyang muling binuhay. Isang hapunan ang inihanda roon para sa kanya. Si Lazaro ay isa sa mga kasalo ni Jesus samantalang si Marta naman ay tumutulong sa paglilingkod sa kanila. Kumuha naman si Maria ng isang bote ng mamahaling pabangong galing sa katas ng dalisay na nardo, at ibinuhos sa mga paa ni Jesus. Pagkatapos, pinunasan niya ito ng kanyang buhok. At humalimuyak sa buong bahay ang amoy ng pabango. Ito'y pinuna ni Judas Iscariote, ang alagad na magkakanulo sa kanya. Sinabi niya, “Bakit hindi na lamang ipinagbili ang pabango at ibinigay sa mga dukha ang pinagbilhan? Maaaring umabot sa tatlong daang salaping pilak ang halaga ng pabangong iyan!” Sinabi iyon ni Judas, hindi dahil sa siya'y may malasakit sa mga dukha, kundi dahil sa siya'y magnanakaw. Siya ang nag-iingat ng kanilang salapi, at ninanakawan niya ito. Ngunit sinabi ni Jesus, “Pabayaan ninyo siya! Hayaan ninyong gawin niya ito bilang paghahanda para sa paglilibing sa akin. Habang panaho'y kasama ninyo ang mga mahihirap, ngunit ako'y hindi ninyo kasama habang panahon.” Nabalitaan ng maraming Judio na si Jesus ay nasa Bethania kaya't nagpunta sila roon upang makita siya at si Lazaro, na kanyang muling binuhay. Kaya't binalak ng mga punong pari na ipapatay din si Lazaro, sapagkat dahil sa kanya'y maraming Judio ang humihiwalay na sa kanila at sumasampalataya kay Jesus. Kinabukasan, nabalitaan ng maraming taong dumalo sa pista na si Jesus ay papunta sa Jerusalem. Kumuha sila ng mga palapa ng palmera, at lumabas sila sa lunsod upang siya'y salubungin. Sila'y sumisigaw, “Purihin ang Diyos. Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Hari ng Israel!” Nakakita si Jesus ng isang batang asno at sinakyan niya ito, gaya ng nasusulat, “Huwag kang matakot, lunsod ng Zion! Masdan mo, dumarating na ang iyong hari, nakasakay sa isang batang asno!” Hindi ito naunawaan noon ng kanyang mga alagad. Ngunit matapos na si Jesus ay muling mabuhay at maluwalhati, naalala nilang ganoon nga ang sinasabi sa kasulatan tungkol sa kanya, kaya't gayon nga ang nangyari. Ipinamamalita naman ng mga taong kasama ni Jesus ang ginawa niyang muling pagbuhay kay Lazaro. At iyon ang dahilan kaya siya sinalubong ng napakaraming tao, nabalitaan nila ang himalang ginawa niya. Kaya't nasabi ng mga Pariseo, “Walang nangyayari sa pagsisikap natin. Tingnan ninyo, sumusunod pa rin sa kanya ang lahat!” May ilang Griegong dumalo sa pista upang sumamba. Lumapit sila kay Felipe na taga-Bethsaida, sa Galilea, at nakiusap, “Ginoo, nais po naming makita si Jesus.” Ito'y sinabi ni Felipe kay Andres, at magkasama silang lumapit kay Jesus at ipinaalam ang kahilingan ng mga iyon. Sumagot si Jesus, “Dumating na ang oras upang parangalan ang Anak ng Tao. Pakatandaan ninyo: hangga't hindi nahuhulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung ito'y mamatay, mamumunga ito nang sagana. Ang taong nagpapahalaga sa kanyang sarili lamang ay siyang mawawalan nito, ngunit ang taong hindi nagpapahalaga sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Ang naghahangad na maglingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at saanman ako naroroon ay pumaparoon din siya. Pararangalan ng Ama ang sinumang naglilingkod sa akin.” “Ako'y nababagabag ngayon. Sasabihin ko bang, ‘Ama, iligtas mo ako sa oras na ito?’ Hindi! Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako naparito. Ama, parangalan mo ang iyong pangalan.” Isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Pinarangalan ko na ito, at muli kong pararangalan.” Narinig iyon ng mga taong naroon kaya't sinabi nila, “Kumulog!” Sabi naman ng iba, “Nagsalita sa kanya ang isang anghel!” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang tinig na iyon ay ipinarinig para sa inyo at hindi para sa akin. Panahon na upang hatulan ang mundong ito. Panahon na rin upang hatulan ang pinuno ng mundong ito. At kung ako'y maitaas na, ilalapit ko sa akin ang lahat ng tao.” Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paano siya mamamatay. Sinagot siya ng mga tao, “Sinasabi sa Kautusan na ang Cristo ay mananatili magpakailanman. Bakit mo sinasabing dapat maitaas ang Anak ng Tao? Sino ba ang Anak ng Tao?” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kaunting panahon na lamang ninyong makakasama ang ilaw. Lumakad kayo habang kasama pa ninyo ang ilaw upang hindi kayo abutin ng dilim. Hindi alam ng lumalakad sa dilim kung saan siya pupunta. Sumampalataya kayo sa ilaw habang kasama pa ninyo ang ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng liwanag.” Pagkasabi nito, si Jesus ay umalis doon at hindi na muling nagpakita sa kanila. Kahit na nasaksihan nila ang maraming himalang ginawa niya, hindi pa rin sila nanalig sa kanya. Nangyari ito upang matupad ang sinabi ni Propeta Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming ipinahayag? Kanino mo ipinakita ang iyong kapangyarihan?” Hindi nga sila makapaniwala sapagkat tulad ng sinabi ni Isaias, “Binulag ng Diyos ang kanilang mga mata at pinatigas ang kanilang mga puso, upang sila'y hindi makakita, ni makaunawa ang kanilang mga isip, baka pa sila'y manumbalik sa akin at sila'y pagalingin ko.” Sinabi ito ni Isaias sapagkat nakita niya ang kaluwalhatian ni Jesus, at nagpahayag siya tungkol kay Jesus. Gayunman, marami ring pinuno ng mga Judio ang nanalig sa kanya. Subalit hindi nila maipahayag ito dahil sa takot sa mga Pariseo, na baka sila'y itiwalag sa sinagoga. Mas ginusto nilang kalugdan sila ng tao kaysa kalugdan sila ng Diyos. Malakas na sinabi ni Jesus, “Ang nananalig sa akin ay hindi lamang sa akin nananalig, kundi pati sa nagsugo sa akin. At ang nakakita sa akin ay nakakita na rin sa nagsugo sa akin. Ako'y naparito bilang ilaw ng sanlibutan, upang ang manalig sa akin ay huwag manatili sa kadiliman. Hindi ako ang humahatol sa taong dumirinig ng aking salita, ngunit ayaw namang sumunod dito. Sapagkat hindi ako naparito upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito. May ibang hahatol sa mga ayaw tumanggap sa akin at sa aking mga salita. Ang salitang ipinahayag ko ang hahatol sa kanila sa huling araw. Sapagkat hindi ako nagsalita nang mula sa sarili ko lamang; ang Ama na nagsugo sa akin ang siyang nag-utos kung ano ang aking sasabihin at ipahahayag. At alam kong ang kanyang utos ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Kaya't ang ipinapasabi ng Ama ang siya kong ipinapahayag.” Bisperas na noon ng Paskwa. Alam ni Jesus na dumating na ang panahon ng kanyang pag-alis sa daigdig na ito upang bumalik sa Ama. Mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa daigdig, at sila'y iniibig niya hanggang sa wakas. Sa panahon ng hapunan, inilagay na ng diyablo sa isip ni Judas, na anak ni Simon Iscariote, na ipagkakanulo niya si Jesus sa mga Judio. Nalalaman ni Jesus na ibinigay na ng Ama sa kanya ang buong kapangyarihan; alam din niyang siya'y mula sa Diyos at babalik sa Diyos. Kaya't siya'y tumayo mula sa hapag, nag-alis ng panlabas na balabal at nagbigkis ng tuwalya sa baywang. Pagkatapos, naglagay siya ng tubig sa palanggana, at sinimulang hugasan ang paa ng mga alagad at pinunasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanyang baywang. Paglapit niya kay Simon Pedro, tumutol ito. Sabi niya, “Panginoon, kayo ba ang maghuhugas ng aking mga paa?” Sumagot si Jesus, “Hindi mo nauunawaan ngayon ang ginagawa ko, ngunit mauunawaan mo rin pagkatapos.” Muling nagsalita si Pedro, “Hinding-hindi ko pahuhugasan sa inyo ang aking mga paa!” Ngunit sinabi ni Jesus, “Malibang hugasan kita, wala kang bahagi sa akin.” Dahil dito'y sinabi ni Simon Pedro, “Kung gayon, hindi lamang ang mga paa ko, kundi pati na rin ang aking mga kamay at ulo!” Sumagot si Jesus, “Ang nakapaligo na ay hindi na kailangang hugasan pa maliban sa kanyang mga paa, sapagkat malinis na ang buo niyang katawan. At kayo'y malinis na, subalit hindi lahat.” Dahil kilala ni Jesus kung sino ang magkakanulo sa kanya, sinabi niyang malinis na sila, subalit hindi lahat. Nang mahugasan na ni Jesus ang kanilang mga paa, muli niyang isinuot ang kanyang balabal at nagbalik sa hapag. Siya'y nangusap sa kanila, “Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ako nga iyon. Dahil akong Panginoon at Guro ninyo ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din ninyong gawin ito sa isa't isa. Binigyan ko kayo ng halimbawa upang inyong tularan. Pakatandaan ninyo, ang alipin ay hindi nakakahigit sa kanyang panginoon, ni ang sinugo kaysa sa nagsugo sa kanya. Mapalad kayo kung nauunawaan ninyo ang mga bagay na ito at inyong gagawin. “Hindi kayong lahat ang tinutukoy ko; kilala ko ang aking mga pinili. Ngunit dapat matupad ang sinasabi sa kasulatan, ‘Pinagtaksilan ako ng taong pinapakain ko.’ Sinasabi ko ito sa inyo bago pa mangyari upang kapag ito'y nangyari na, sasampalataya kayo na ‘Ako'y Ako nga’. Pakatandaan ninyo, ang tumatanggap sa sinugo ko ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap naman sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.” Pagkasabi nito, si Jesus ay labis na nabagabag at nagpahayag sa kanila, “Pakatandaan ninyo: ako'y pagtataksilan ng isa sa inyo.” Nagsimulang magtinginan ang mga alagad sapagkat hindi nila alam kung sino ang kanyang tinutukoy. Katabi noon ni Jesus ang alagad na minamahal niya, kaya't sinenyasan siya ni Simon Pedro at sinabihan, “Itanong mo nga kung sino ang tinutukoy niya.” Humilig ang alagad na ito sa dibdib ni Jesus at nagtanong, “Panginoon, sino po ba iyon?” “Siya ang taong aabutan ko ng tinapay na aking isinawsaw,” sagot ni Jesus. Nagsawsaw nga siya ng tinapay at ibinigay iyon kay Judas na anak ni Simon Iscariote. Nang matanggap ni Judas ang tinapay, pumasok sa kanya si Satanas. Sinabi ni Jesus kay Judas, “Gawin mo na ang dapat mong gawin.” Walang sinuman sa mga kasalo ni Jesus ang nakaunawa kung bakit niya sinabi iyon. Dahil si Judas ang may hawak ng kanilang salapi, akala nila'y pinapabili siya ni Jesus ng kakailanganin nila sa pagdiriwang, o kaya'y pinapabigyan niya ng limos ang mga dukha. Nang makain na ni Judas ang tinapay, kaagad itong umalis. Noon ay gabi na. Pagkaalis ni Judas ay sinabi ni Jesus, “Ngayo'y mahahayag na ang karangalan ng Anak ng Tao, at sa pamamagitan niya ay mahahayag din ang karangalan ng Diyos. At kapag nahayag na ang karangalan ng Diyos sa pamamagitan ng Anak ng Tao, ang Diyos naman ang maghahayag ng karangalan ng Anak, at ito'y gagawin niya agad. Mga anak, kaunting panahon na lamang ninyo akong makakasama. Hahanapin ninyo ako, ngunit sinasabi ko sa inyo ngayon ang sinabi ko noon sa mga Judio, ‘Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.’ “Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo ngayon, mag-ibigan kayo! Kung paano ko kayong inibig, gayundin naman, mag-ibigan kayo. Kung kayo'y mag-iibigan, makikilala ng lahat na kayo'y mga alagad ko.” “Saan po kayo pupunta, Panginoon?” tanong ni Simon Pedro. Sumagot si Jesus, “Sa pupuntahan ko'y hindi ka makakasunod ngayon, ngunit susunod ka pagkatapos.” Sumagot si Pedro, “Bakit po hindi ako makakasunod sa inyo ngayon? Buhay ko ma'y iaalay ko para sa inyo.” Sumagot si Jesus, “Iaalay mo ang iyong buhay dahil sa akin? Pakatandaan mo: bago tumilaok ang manok, tatlong beses mo akong ikakaila.” “Huwag na kayong mabalisa; sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin ko ba sa inyong pupunta ako roon upang ipaghanda ko kayo ng inyong matitirhan? At kapag naipaghanda ko na kayo ng matitirhan, ako'y babalik at isasama ko kayo upang kayo'y makapiling ko kung saan ako naroroon. At alam na ninyo ang daan papunta sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?” Sumagot si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung ako'y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyo nang nakita.” Sinabi sa kanya ni Felipe, “Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama at masisiyahan na kami.” Sumagot si Jesus, “Felipe, kaytagal na ninyo akong kasama, hanggang ngayo'y hindi mo pa ako kilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Hindi sa akin galing ang sinasabi ko sa inyo. Ngunit ang Ama na nasa akin ang siyang gumaganap ng kanyang gawain. Maniwala kayo sa akin; ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga ginagawa ko. Pakatandaan ninyo: ang nananalig sa akin ay makakagawa ng mga ginagawa ko, at higit pa kaysa rito, sapagkat babalik na ako sa Ama. At anumang hilingin ninyo sa aking pangalan ay gagawin ko upang maparangalan ang Ama sa pamamagitan ng Anak. Kung hihiling kayo ng anuman sa aking pangalan, ito ay aking gagawin.” “Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga itinuturo. Dadalangin ako sa Ama, upang kayo'y bigyan niya ng isa pang Tagapagtanggol na magiging kasama ninyo magpakailanman. Siya ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat siya ay hindi nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. Ngunit nakikilala ninyo siya, sapagkat siya'y nasa inyo at siya'y mananatili sa inyo. “Hindi ko kayo iiwang nangungulila; babalik ako sa inyo. Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng mundong ito. Ngunit ako'y makikita ninyo; sapagkat mabubuhay ako, at mabubuhay rin kayo. Sa araw na iyon ay malalaman ninyong ako'y nasa Ama, at kayo nama'y nasa akin at ako'y nasa inyo. “Ang tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad nito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya at ako'y lubusang magpapakilala sa kanya.” Tinanong siya ni Judas (hindi si Judas Iscariote), “Panginoon, bakit po sa amin lamang kayo magpapakilala nang lubusan at hindi sa sanlibutan?” Sumagot si Jesus, “Ang umiibig sa akin ay tumutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami'y tatahan at mananatili sa kanya. Ang hindi tumutupad sa aking mga salita ay hindi umiibig sa akin. Ang salitang narinig ninyo ay hindi sa akin, kundi sa Ama na nagsugo sa akin. “Sinabi ko na sa inyo ang mga bagay na ito habang kasama pa ninyo ako. Ngunit ang Tagapagtanggol, ang Espiritu Santo na isusugo ng Ama sa pangalan ko, ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalala ng lahat ng sinabi ko sa inyo. “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag na kayong mabalisa; huwag na kayong matakot. Sinabi ko na sa inyo, ‘Ako'y aalis, ngunit ako'y babalik.’ Kung iniibig ninyo ako, ikagagalak ninyo ang pagpunta ko sa Ama, sapagkat higit na dakila ang Ama kaysa sa akin. Sinasabi ko na ito sa inyo bago pa mangyari, upang kung mangyari na ay manalig kayo sa akin. Hindi na magtatagal ang pagtuturo ko sa inyo dahil dumarating na ang pinuno ng mundong ito. Wala siyang kapangyarihan sa akin. Gayon pa man ipinahintulot ito upang malaman ng mundong ito na iniibig ko ang Ama at ang ginagawa ko'y ang iniutos niya sa akin. Tayo na! Lumakad na tayo!” “Ako ang tunay na puno ng ubas at ang aking Ama ang tagapag-alaga. Inaalis niya ang bawat sangang hindi nagbubunga, at kanya namang pinuputulan at nililinis ang bawat sangang nagbubunga upang magbunga pa nang lalong sagana. Nalinis na kayo sa pamamagitan ng salitang sinabi ko sa inyo. Manatili kayo sa akin at mananatili din ako sa inyo. Hindi magbubunga ang sangang hindi nananatili sa puno. Gayundin naman, hindi kayo magbubunga kung hindi kayo mananatili sa akin. “Ako nga ang puno ng ubas at kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang nagbubunga nang sagana, sapagkat wala kayong magagawa kung kayo'y hiwalay sa akin. Ang hindi nananatili sa akin ay matutuyo at itinatapon, gaya ng sanga. Ang ganoong mga sanga ay tinitipon, inihahagis sa apoy at sinusunog. Kung nananatili kayo sa akin at nananatili sa inyo ang aking mga salita, hingin ninyo ang anumang nais ninyo at ibibigay iyon sa inyo. Napaparangalan ang aking Ama kung kayo'y masaganang nagbubunga bilang aking mga alagad. Kung paanong inibig ako ng Ama, gayundin naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig; tulad ko, tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig. “Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang mapasainyo ang kagalakan ko at nang sa gayon, malubos ang inyong kagalakan. Ito ang aking utos: magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo. Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa pag-ibig ng isang taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. Kayo'y mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang aking mga utos. Hindi ko na kayo itinuturing na mga alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip, itinuring ko kayong mga kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama. Hindi ninyo ako pinili, kayo ang pinili ko. Pinili ko kayo upang kayo'y magbunga at manatili ang inyong bunga upang ang anumang hingin ninyo sa Ama, sa aking pangalan, ay ibibigay sa inyo. Ito nga ang utos ko sa inyo: magmahalan kayo.” “Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, alalahanin ninyong ako muna ang kinapootan nila bago kayo. Kung kayo'y taga-sanlibutan, mamahalin nila kayo, sapagkat kayo'y kabilang sa kanila. Hindi kayo taga-sanlibutan. Sila'y napopoot sa inyo dahil pinili ko kayo. Alalahanin ninyo ang sinabi kong ito: walang aliping nakakahigit kaysa sa kanyang panginoon. Kung ako'y inusig nila, uusigin din nila kayo. Kung sinunod nila ang aking sinabi, susundin rin nila ang inyong sasabihin. Subalit ang lahat ng ito'y gagawin nila sa inyo dahil sa akin, sapagkat hindi nila kilala ang nagsugo sa akin. Kung hindi ako naparito at nangaral sa kanila, hindi sana mapatutunayang nagkasala sila. Ngunit ngayo'y hindi na sila makakaiwas na panagutan ang kanilang kasalanan. Ang napopoot sa akin ay napopoot din sa aking Ama. Kung hindi ko sana ginawa sa kanilang kalagitnaan ang mga gawaing hindi pa nagagawa ninuman, wala sana silang kasalanan. Ngunit nakita na nila ang aking mga gawa subalit sa kabila nito'y kinapootan pa rin nila ako at ang aking Ama. Subalit nangyari ito upang matupad ang sinasabi sa kanilang Kautusan, ‘Napoot sila sa akin nang walang dahilan.’ “Ngunit sa pagdating ng Tagapagtanggol, ang Espiritu ng katotohanan, na susuguin ko mula sa Ama, magpapatotoo siya tungkol sa akin. At magpapatotoo rin kayo tungkol sa akin, sapagkat sa pasimula pa'y kasama ko na kayo. “Sinasabi ko ito sa inyo upang huwag kayong mawalan ng pananalig sa akin. Ititiwalag nila kayo sa mga sinagoga. Darating ang panahon na ang sinumang pumatay sa inyo ay mag-aakalang naglilingkod siya sa Diyos. At gagawin nila ito sapagkat hindi nila ako kilala, ni ang Ama. Subalit sinabi ko na ito sa inyo upang kapag ito'y nangyari, maaalala ninyo ang sinabi ko sa inyo.” “Hindi ko ito sinabi sa inyo noong una sapagkat kasama pa ninyo ako. Ngunit ngayo'y pupunta na ako sa nagsugo sa akin at wala ni isa man sa inyo ang nagtatanong kung saan ako pupunta. Ngayon sinabi ko na sa inyo, lubha naman kayong nalungkot. Subalit dapat ninyong malaman ang katotohanan. Ang pag-alis ko'y sa ikabubuti ninyo, sapagkat hindi paparito sa inyo ang Tagapagtanggol kung hindi ako aalis. Ngunit kung wala na ako, isusugo ko siya sa inyo. Pagdating niya ay kanyang patutunayan sa mga taga-sanlibutan na mali ang pagkakilala nila tungkol sa kasalanan, tungkol sa pagiging matuwid, at tungkol sa paghatol ng Diyos. Mali sila tungkol sa kasalanan sapagkat hindi sila nananalig sa akin. Mali sila tungkol sa pagiging matuwid sapagkat ako'y pupunta sa Ama at hindi na ninyo makikita; at tungkol sa paghatol ng Diyos, sapagkat hinatulan na ang pinuno ng mundong ito. “Marami pa akong sasabihin sa inyo subalit hindi pa ninyo kayang unawain ngayon. Ngunit pagdating ng Espiritu ng katotohanan, papatnubayan niya kayo sa lahat ng katotohanang galing sa Diyos. Sapagkat ang sasabihin niya ay hindi mula sa kanyang sarili, kundi ang kanyang narinig; at ipahahayag niya sa inyo ang mga mangyayari sa hinaharap. Pararangalan niya ako sapagkat tatanggapin ng Espiritu mula sa akin ang ipahahayag niya sa inyo. Ang lahat ng sa Ama ay sa akin, kaya ko sinabing tatanggapin ng Espiritu ang mula sa akin at ipahahayag niya ito sa inyo.” “Kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon, ako'y inyong makikitang muli.” Nag-usap-usap ang ilan sa mga alagad, “Ano kaya ang ibig niyang sabihin? Bakit niya sinabing kaunting panahon na lamang at hindi na natin siya makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon ay makikita natin siyang muli? Sinabi pa niya, ‘Sapagkat ako'y pupunta sa Ama.’ Ano kaya ang kahulugan ng, ‘kaunting panahon na lamang’? Hindi natin maunawaan ang kanyang sinasabi!” Alam ni Jesus na ibig nilang magtanong, kaya't sinabi niya, “Nagtatanungan kayo tungkol sa sinabi kong ‘kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon, ako'y makikita ninyong muli.’ Pakatandaan ninyo: iiyak kayo at mahahapis, ngunit magagalak ang sanlibutan. Labis kayong malulungkot, subalit iyan ay mapapalitan ng kagalakan. “Kapag naghihirap na ang isang babaing manganganak, siya'y nahahapis, sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghihirap. Ngunit pagkapanganak niya, hindi na niya naaalala ang hirap; nagagalak siya dahil sa pagsilang ng isang sanggol sa sanlibutan. “Gayundin naman kayo, nalulungkot kayo ngayon, ngunit muli tayong magkikita, at mag-uumapaw sa inyong puso ang kagalakang hindi maaagaw ninuman. Sa araw na iyon, hindi na kayo kailangang magtanong sa akin. Pakatandaan ninyo: anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo. Hanggang ngayo'y wala pa kayong hinihingi sa kanya sa aking pangalan. Humingi kayo, at kayo'y tatanggap upang malubos ang inyong kagalakan.” “Ang mga ito'y sinabi ko sa inyo nang patalinhaga. Subalit darating ang panahong hindi na ako magsasalita sa inyo sa ganitong paraan; tuwiran ko nang sasabihin sa inyo ang tungkol sa Ama. Sa araw na iyon ay hihingi kayo sa kanya sa aking pangalan, at hindi ko sinasabing ako mismo ang hihiling sa Ama para sa inyo. Mahal kayo ng Ama; minamahal niya kayo sapagkat ako'y minahal ninyo at naniwala kayo na ako'y nagmula sa Diyos. Ako nga'y nanggaling sa Ama at naparito sa daigdig; ngayo'y aalis na ako sa daigdig at babalik na sa Ama.” Sinabi ng kanyang mga alagad, “Ngayon po'y tuwiran na ang inyong pangungusap sa amin at hindi na patalinhaga! Ngayon alam na po naming alam ninyo ang lahat ng bagay, at hindi na kailangang tanungin pa kayo ninuman. Dahil dito, naniniwala po kami na kayo'y mula sa Diyos.” Sumagot si Jesus, “Talaga bang naniniwala na kayo? Darating ang oras, at ngayon na nga, na magkakawatak-watak kayo. Magkakanya-kanya kayo ng lakad, at iiwanan ninyo ako. Gayunman, hindi ako tunay na nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama. Sinabi ko ito sa inyo upang kayo'y magkaroon ng kapayapaan sa pakikipag-isa sa akin. Magdaranas kayo ng kapighatian sa mundong ito, ngunit tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!” Pagkasabi ni Jesus ng mga pananalitang ito, tumingala siya sa langit at kanyang sinabi, “Ama, dumating na ang oras; parangalan mo na ang iyong Anak upang maparangalan ka niya. Sapagkat binigyan mo ako ng kapangyarihan sa sangkatauhan upang bigyan ko ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa Anak. Ito ang buhay na walang hanggan: ang makilala ka nila, ang iisa at tunay na Diyos, at ang makilala si Jesu-Cristo na iyong isinugo. Inihayag ko sa lupa ang iyong karangalan; natapos ko na ang ipinapagawa mo sa akin. Kaya, Ama, ipagkaloob mo sa akin ngayon ang kaluwalhatiang taglay ko sa piling mo bago pa likhain ang daigdig. “Ipinakilala na kita sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa daigdig. Sila'y iyo at ibinigay mo sila sa akin, at tinupad nila ang iyong salita. Alam na nila na ang lahat ng ibinigay mo sa akin ay mula sa iyo; dahil itinuro ko sa kanila ang mga aral na ibinigay mo sa akin, at tinanggap naman nila. Natitiyak nilang ako'y tunay na galing sa iyo, at naniniwala silang ikaw nga ang nagsugo sa akin. “Idinadalangin ko sila; hindi ang sanlibutang ito ang idinadalangin ko, kundi ang lahat ng ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y sa iyo. Ang lahat ng sa akin ay sa iyo, at ang lahat ng sa iyo ay sa akin; at napaparangalan ako sa pamamagitan nila. At ngayon, ako'y papunta na sa iyo; iiwanan ko na ang sanlibutang ito, ngunit sila ay nasa sanlibutan pa. Amang banal, ingatan mo po sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, ang pangalang ibinigay mo sa akin, upang kung paanong ikaw at ako ay iisa, gayundin naman sila'y maging isa. Habang kasama nila ako, iningatan ko sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, ang pangalang ibinigay mo sa akin. Pinangalagaan ko sila at walang napahamak sa kanila, maliban sa taong humanap ng kanyang kapahamakan, upang matupad ang kasulatan. Ngunit ngayon, ako'y papunta na sa iyo, at sinasabi ko ito habang ako'y nasa sanlibutan pa upang mapuspos sila ng aking kagalakan. Naibigay ko na sa kanila ang iyong salita, at kinapootan sila ng mga tao sa sanlibutang ito, sapagkat hindi na sila taga-sanlibutan, tulad ko na hindi taga-sanlibutan. Hindi ko idinadalanging kunin mo sila sa daigdig na ito, kundi iligtas mo sila sa Masama! Hindi sila taga-sanlibutan, tulad ko na hindi rin taga-sanlibutan. Italaga mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo ang katotohanan. Kung paanong isinugo mo ako sa sanlibutan, gayundin naman, isinusugo ko sila sa sanlibutan. At alang-alang sa kanila'y itinalaga ko sa iyo ang aking sarili, upang maitalaga rin sila sa pamamagitan ng katotohanan. “Hindi lamang sila ang idinadalangin ko; idinadalangin ko pati ang mga mananalig sa akin dahil sa pahayag ng aking mga tagasunod. Ama, maging isa nawa silang lahat. Kung paanong ikaw ay nasa akin at ako'y nasa iyo, gayundin naman, maging isa nawa sila sa atin upang ang mga tao sa daigdig ay maniwala na ikaw ang nagsugo sa akin. Ibinigay ko na sa kanila ang karangalang ibinigay mo sa akin upang sila'y ganap na maging isa, tulad mo at ako na iisa. Ako'y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang lubusan silang maging isa. Dahil dito, makikilala ng mga tao sa daigdig na isinugo mo ako at sila'y minamahal mo, katulad ng pagmamahal mo sa akin. “Ama, sila ay ibinigay mo sa akin at nais kong makasama sila sa kinaroroonan ko upang makita nila ang karangalang ibinigay mo sa akin, sapagkat minahal mo na ako bago pa nilikha ang daigdig. Mapagmahal na Ama, hindi ka kilala ng mga tao sa daigdig, ngunit kilala kita, at alam rin ng mga ibinigay mo sa akin na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinakilala na kita sa kanila, at patuloy kitang ipapakilala, upang ang pagmamahal mo sa akin ay manatili sa kanila, at ako ay manatili rin sa kanila.” Pagkatapos ng panalanging ito, umalis si Jesus kasama ang kanyang mga alagad. Tumawid sila sa batis ng Kidron at pumasok sa isang halamanan doon. Alam ng taksil na si Judas ang lugar na iyon sapagkat doon madalas magpunta si Jesus at ang kanyang mga alagad. Pumunta doon si Judas, kasama ang ilang pinuno ng mga bantay sa Templo at isang grupo ng mga kawal Romano na padala ng mga punong pari at mga Pariseo. May dala silang mga lampara, ilawan at sandata. Alam ni Jesus ang lahat ng mangyayari sa kanya kaya't sila ay sinalubong niya at tinanong, “Sino ang hinahanap ninyo?” “Si Jesus na taga-Nazaret,” sagot nila. At sinabi niya, “Ako si Jesus.” Kaharap nila noon si Judas na nagtaksil sa kanya. Nang sabihin niyang, “Ako si Jesus,” napaurong sila at natumba. Muli siyang nagtanong, “Sino nga ba ang hinahanap ninyo?” “Si Jesus na taga-Nazaret,” sagot nila. Sumagot si Jesus, “Sinabi ko na sa inyong ako si Jesus. Kung ako ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong umalis ang mga taong ito.” Sa gayon, natupad ang kanyang sinabi, “Ama, walang napahamak kahit isa sa mga ibinigay mo sa akin.” Binunot ni Simon Pedro ang kanyang tabak at tinaga ang kanang tainga ni Malco na isa sa mga alipin ng pinakapunong pari ng mga Judio. Sinabi ni Jesus kay Pedro, “Ibalik mo sa lalagyan ang iyong tabak! Dapat kong danasin ang paghihirap na ibinigay sa akin ng Ama.” Dinakip nga si Jesus at iginapos ng mga bantay sa Templo at ng mga kawal na Romano na pinamumunuan ng isang kapitan. Siya'y dinala muna kay Anas na biyenan ni Caifas, ang pinakapunong pari nang taóng iyon. Si Caifas ang nagpayo sa mga pinuno ng mga Judio na mas mabuti para sa kanila na isang tao lamang ang mamatay para sa bayan. Sumunod kay Jesus si Simon Pedro at ang isa pang alagad. Ang alagad na ito ay kilala ng pinakapunong pari kaya't nakapasok siyang kasama ni Jesus hanggang sa patyo ng bahay ng pinakapunong pari. Naiwan naman si Pedro sa labas ng pintuan, kaya lumabas ang alagad na kilala ng pinakapunong pari, kinausap ang dalagang nagbabantay sa pinto at pinapasok si Pedro. Si Pedro'y tinanong ng dalaga, “Hindi ba't isa ka sa mga alagad ng taong iyan?” “Hindi,” sagot ni Pedro. Maginaw noon, kaya't nagsiga ang mga utusan at ang mga bantay, at nag-umpukan sila sa paligid ng apoy upang magpainit. Nakihalo sa kanila si Pedro at nagpainit din. Tinanong si Jesus ng pinakapunong pari tungkol sa kanyang mga alagad at sa kanyang mga itinuturo. Sumagot si Jesus, “Hayagan akong nagsasalita sa madla, at lagi akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa Templo na pinagtitipunan ng mga Judio. Wala akong sinabi nang palihim. Bakit ako ang tinatanong ninyo? Ang tanungin ninyo'y ang mga nakarinig sa akin; alam nila kung ano ang sinabi ko.” Pagkasabi nito'y sinampal siya ng isa sa mga pinuno ng mga bantay na naroroon. “Bakit mo sinasagot nang ganyan ang pinakapunong pari?” tanong niya. Sumagot si Jesus, “Kung may nagawa akong masama, patunayan mo! Ngunit kung totoo ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?” Matapos ito, si Jesus ay nakagapos pa rin na ipinadala ni Anas kay Caifas, ang pinakapunong pari. Habang nagaganap ito, si Simon Pedro ay patuloy na nagpapainit sa tabi ng apoy. Siya'y tinanong ng mga naroon, “Hindi ba't alagad ka rin ng taong iyan?” “Hindi!” kaila ni Pedro. Tinanong naman siya ng isa sa mga utusan ng pinakapunong pari ng mga Judio at kamag-anak ng lalaking natagpasan niya ng tainga, “Hindi ba ikaw ang nakita kong kasama ni Jesus sa halamanan?” Muling ikinaila ito ni Pedro, at narinig na tumilaok ang manok. Maaga pa nang dalhin si Jesus sa palasyo mula sa bahay ni Caifas. Hindi pumasok ang mga pinuno ng mga Judio sa palasyo upang sila'y huwag maituring na di karapat-dapat kumain ng hapunang pampaskwa. Kaya't si Pilato ay lumabas sa palasyo at tinanong sila, “Ano ang paratang ninyo laban sa taong ito?” Sila'y sumagot, “Hindi po namin siya dadalhin sa inyo kung hindi siya gumawa ng masama.” Sinabi sa kanila ni Pilato, “Dalhin ninyo siya at hatulan ayon sa inyong batas.” Subalit sumagot ang mga Judio, “Wala po kaming kapangyarihang humatol ng kamatayan kaninuman.” Sa gayon, natupad ang sinabi ni Jesus nang ipahiwatig niya kung sa anong paraan siya mamamatay. Si Pilato ay pumasok uli sa palasyo at ipinatawag si Jesus. “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” tanong niya. Sumagot si Jesus, “Iyan ba'y sarili mong palagay, o may ibang nagsabi sa iyo?” Tugon ni Pilato, “Hindi ako Judio. Ang mga kababayan mo at ang mga punong pari ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?” Sumagot si Jesus, “Ang kaharian ko'y hindi sa daigdig na ito. Kung sa daigdig na ito ang aking kaharian, ipinakipaglaban sana ako ng aking mga tauhan at hindi naipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi sa daigdig na ito ang aking kaharian!” “Kung ganoon, isa ka ngang hari?” sabi ni Pilato. Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang nagsasabing ako'y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa daigdig, upang magsalita tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan.” “Ano ba ang katotohanan?” tanong ni Pilato. Pagkasabi nito, muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga Judio, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito. Ngunit ayon sa inyong kaugalian, dapat akong magpalaya ng isang bilanggo sa Pista ng Paskwa. Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” “Hindi!” sigaw nila. “Hindi siya, kundi si Barabbas!” Si Barabbas ay isang tulisan. Kaya't ipinakuha ni Pilato si Jesus at ipinahagupit. Ang mga kawal ay kumuha ng sangang matinik, ginawa itong korona at ipinutong kay Jesus. Siya rin ay sinuotan nila ng balabal na kulay ube at bawat isa'y lumalapit sa kanya at patuyang bumabati, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” At kanilang pinagsasampal si Jesus. Lumabas muli si Pilato at sinabi sa mga tao, “Ihaharap ko siya sa inyo upang malaman ninyo na wala akong makitang kasalanan sa kanya!” At inilabas nga si Jesus na may koronang tinik at balabal na kulay ube. Sinabi sa kanila ni Pilato, “Sige! Pagmasdan ninyo siya!” Pagkakita sa kanya ng mga punong pari at ng mga bantay, sila'y nagsigawan, “Ipako siya sa krus! Ipako sa krus!” Sinabi ni Pilato, “Kunin ninyo siya, bahala kayong magpako sa kanya dahil wala akong makitang kasalanan sa kanya.” Sumagot ang mga Judio, “Ayon sa aming kautusa'y nararapat siyang mamatay, sapagkat siya'y nagpapanggap na Anak ng Diyos.” Nang marinig niya ang sinabi nila, lalong natakot si Pilato. Muli siyang pumasok sa palasyo at tinanong si Jesus, “Tagasaan ka ba?” Subalit hindi tumugon si Jesus. Muling nagtanong si Pilato, “Ayaw mo bang makipag-usap sa akin? Hindi mo ba alam na may kapangyarihan akong palayain ka o ipapako sa krus?” Sumagot si Jesus, “Magagawa mo lamang iyan sapagkat ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang kapangyarihang iyan, kaya't mas mabigat ang kasalanan ng nagdala sa akin dito sa harapan mo.” Nang marinig ito ni Pilato, lalo pa niyang hinangad na palayain si Jesus. Ngunit nagsigawan ang mga tao, “Kapag pinalaya mo ang taong iyan, hindi ka kaibigan ng Emperador! Ang sinumang nagpapanggap na hari ay kalaban ng Emperador.” Pagkarinig ni Pilato sa mga salitang ito, inilabas niya si Jesus at siya'y umupo sa hukuman, sa dakong tinatawag na “Plataporma,” Gabatha sa wikang Hebreo. Araw noon ng Paghahanda sa Paskwa, at mag-aalas dose na ng tanghali. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, “Narito ang inyong hari!” Sumigaw sila, “Patayin siya! Patayin! Ipako sa krus!” “Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari?” tanong naman ni Pilato. Sumagot ang mga punong pari, “Wala kaming hari kundi ang Emperador!” Kaya't ibinigay sa kanila ni Pilato si Jesus upang siya'y maipako sa krus. Kinuha nga nila si Jesus. Inilabas siyang pasan ang kanyang krus papunta sa lugar na kung tawagi'y “Lugar ng Bungo,” Golgotha sa wikang Hebreo. Pagdating doon, siya'y ipinako sa krus, kasama ng dalawa pa; isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa. Isinulat ni Pilato ang ganitong mga salita at ipinalagay sa krus: “Si Jesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio.” Nasusulat ito sa mga wikang Hebreo, Latin, at Griego. Marami sa mga Judio ang nakabasa nito sapagkat malapit lamang sa lunsod ang dakong pinagpakuan kay Jesus. Kaya't ipinagpilitan ng mga punong pari kay Pilato, “Hindi sana ninyo isinulat ang ‘Ang Hari ng mga Judio’, kundi, ‘Sinabi ng taong ito, Ako ang Hari ng mga Judio.’” Ngunit sumagot si Pilato, “Ang naisulat ko'y naisulat ko na.” Nang si Jesus ay maipako na ng mga kawal, kinuha nila ang kanyang panlabas na kasuotan at pinaghati-hati sa apat. Kinuha rin nila ang kanyang mahabang panloob na kasuotan; ito'y walang tahi at hinabi nang buo mula sa itaas hanggang sa ibaba. Kaya't nag-usap-usap ang mga kawal, “Huwag nating punitin ito; daanin na lamang natin sa palabunutan para malaman kung kanino ito mapupunta.” Sa gayon, natupad ang isinasaad ng Kasulatan, “Pinaghati-hatian nila ang aking kasuotan; at nagpalabunutan sila kung kanino mapupunta ang aking damit.” Ganoon nga ang ginawa ng mga kawal. Nakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid nitong babae, si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena. Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang minamahal niyang alagad na nasa tabi nito, sinabi niya, “Ina, ituring mo siyang sariling anak!” At sinabi niya sa alagad, “Ituring mo siyang iyong ina!” Mula noon, sa bahay na ng alagad na ito tumira ang ina ni Jesus. Alam ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay. Kaya't upang matupad ang kasulatan ay sinabi niya, “Nauuhaw ako!” May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Inilubog nila rito ang isang espongha, ikinabit iyon sa isang tangkay ng hisopo at idiniit sa kanyang bibig. Nang masipsip na ni Jesus ang alak, sinabi niya, “Naganap na!” Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga. Noo'y Araw ng Paghahanda, at ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay hanggang sa Araw ng Pamamahinga, dahil natatangi ang Araw na iyon ng Pamamahinga. Kaya't hiniling nila kay Pilato na ipabali ang mga binti ng mga ipinako sa krus at alisin ang mga bangkay. Pumunta nga roon ang mga kawal at binali ang mga binti ng dalawang ipinakong kasabay ni Jesus. Ngunit pagdating nila kay Jesus at makitang patay na ito, hindi na nila binali ang kanyang mga binti. Subalit sinaksak ng isang kawal ang tagiliran ni Jesus sa pamamagitan ng sibat at agad dumaloy ang dugo at tubig. Ang nakakita nito ang nagpahayag upang kayo'y maniwala. Totoo ang kanyang pahayag at alam niyang katotohanan ang sinasabi niya. Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinasabi sa kasulatan, “Walang mababali isa man sa kanyang mga buto.” At may bahagi pa rin ng kasulatan na nagsasabi, “Pagmamasdan nila ang kanilang sinaksak ng sibat.” Pagkatapos nito, si Jose na taga-Arimatea ay nagsadya kay Pilato upang humingi ng pahintulot na makuha ang bangkay ni Jesus. Si Jose ay isang alagad ni Jesus, ngunit palihim lamang dahil sa takot niya sa mga Judio. Pinahintulutan naman siya ni Pilato, kaya't kinuha niya ang bangkay ni Jesus. Kasama rin niya si Nicodemo, ang taong nagsadya kay Jesus isang gabi. May dala siyang pabango, mga tatlumpung kilong pinaghalong mira at aloe. Kinuha nila ang bangkay ni Jesus at nilagyan ng pabango habang binabalot sa isang mamahaling tela, ayon sa kaugalian ng mga Judio. Malapit sa pinagpakuan kay Jesus ay may isang halamanan, at dito'y may isang bagong libingang hindi pa napaglilibingan. Dahil noon ay bisperas ng Araw ng Pamamahinga, at dahil sa malapit naman ang libingang ito, doon nila inilibing si Jesus. Madilim-dilim pa nang unang araw ng sanlinggo, pumunta si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na ang batong nakatakip sa pinto ng libingan. Dahil dito, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Jesus, at sinabi sa kanila, “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan siya dinala!” Yumuko ito at sumilip sa loob ng libingan ngunit hindi pumasok. Nakita niyang nakalagay doon ang mga mamahaling tela. Nang dumating si Simon Pedro, tuluy-tuloy itong pumasok sa libingan at nakita nito ang mga telang lino, at ang panyong ibinalot sa ulo ni Jesus. Ang panyo ay hindi kasama ng mga mamahaling tela, kundi hiwalay na nakatiklop sa isang tabi. Pumasok din ang alagad na naunang dumating at nakita niya ito, at siya'y naniwala. Hindi pa nila nauunawaan noon na si Jesus ay kailangang muling mabuhay ayon sa kasulatan. At umuwi ang mga alagad. Si Maria ay nakatayong umiiyak sa labas ng libingan. Nang yumuko siya at sumilip sa loob, may nakita siyang dalawang anghel na nakadamit ng puti at nakaupo sa pinaglagyan ng bangkay ni Jesus, ang isa'y sa gawing ulunan at ang isa nama'y sa paanan. Tinanong nila si Maria, “Babae, bakit ka umiiyak?” Sumagot siya, “May kumuha po sa aking Panginoon at hindi ko alam kung saan siya dinala.” Pagkasabi nito'y napalingon siya at nakita niya si Jesus na nakatayo roon, ngunit hindi niya nakilalang si Jesus iyon. Tinanong siya ni Jesus, “Babae, bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?” Akala ni Maria, ang kausap niya'y ang hardinero kaya't sinabi niya, “Ginoo, kung kayo po ang kumuha sa kanya, pakituro nga po ninyo sa akin kung saan ninyo siya dinala at kukunin ko.” “Maria!” sabi ni Jesus. Humarap siya at kanyang sinabi sa wikang Hebreo, “Raboni!” na ang ibig sabihi'y “Guro.” Sabi ni Jesus, “Huwag mo akong hawakan sapagkat hindi pa ako nakakapunta sa Ama. Sa halip, pumunta ka sa aking mga kapatid at sabihin mo sa kanila na aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.” Kaya't si Maria Magdalena ay pumunta sa mga alagad at sinabi sa kanila, “Nakita ko ang Panginoon!” At sinabi rin niya sa kanila ang bilin ni Jesus. Kinagabihan ng araw ng Linggo, ang mga alagad ay nagkakatipon. Nakasara ang mga pinto ng bahay na kanilang pinagtitipunan dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila. “Sumainyo ang kapayapaan!” sabi niya. Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Nang makita nila ang Panginoon, tuwang-tuwa ang mga alagad. Sinabi na naman ni Jesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong isinugo ako ng Ama, isinusugo ko rin kayo.” Pagkatapos, sila'y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Ang patatawarin ninyo sa kanilang mga kasalanan ay pinatawad na nga, subalit ang hindi ninyo patatawarin ay hindi nga pinatawad.” Ngunit si Tomas, na tinatawag na Kambal at kabilang sa Labindalawa, ay wala roon nang dumating si Jesus. Kaya't sinabi sa kanya ng ibang mga alagad, “Nakita namin ang Panginoon!” Sumagot si Tomas, “Hindi ako maniniwala hangga't hindi ko nakikita at nahahawakan ang butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at hangga't hindi ko naisusuot ang aking daliri sa mga sugat na iyon at sa kanyang tagiliran.” Makalipas ang isang linggo, muling nagkatipon sa loob ng bahay ang mga alagad at kasama nila si Tomas. Nakasara ang mga pinto, ngunit nakapasok si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila. Sinabi niya, “Sumainyo ang kapayapaan!” At sinabi niya kay Tomas, “Tingnan mo ang aking mga kamay. Ilagay mo ang iyong kamay sa aking tagiliran at huwag ka nang mag-alinlangan pa, sa halip ay maniwala ka.” Sumagot si Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Naniniwala ka na ba dahil nakita mo ako? Mapalad ang mga naniniwala kahit hindi nila ako nakita.” Marami pang himala ang ginawa ni Jesus na nasaksihan ng mga alagad, ngunit hindi nakasulat sa aklat na ito. Ang mga nakatala rito ay isinulat upang kayo'y sumampalataya na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at upang magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya. Pagkatapos nito, muling nagpakita si Jesus sa mga alagad sa tabi ng Lawa ng Tiberias. Ganito ang nangyari: magkakasama sina Simon Pedro, Tomas na tinatawag na Kambal, Nathanael na taga-Cana sa Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pang alagad. Sinabi sa kanila ni Simon Pedro, “Mangingisda ako.” “Sasama kami,” sabi nila. Umalis nga sila at sumakay sa isang bangka. Magdamag silang nangisda, subalit wala silang nahuli. Nang mag-uumaga na, tumayo si Jesus sa pampang ngunit siya'y hindi nila nakilala. Sinabi niya, “Mga anak, mayroon ba kayong huli?” “Wala po,” sagot nila. “Ihulog ninyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at makakahuli kayo,” sabi ni Jesus. Inihulog nga nila ang lambat at nang hilahin nila ito ay hindi nila makaya sa dami ng huli. Sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Jesus, “Ang Panginoon iyon!” Nang marinig ito ni Simon Pedro, nagsuot siya ng damit dahil nakahubad siya noon at saka lumusong sa tubig. Dumaong sa pampang ang kasama niyang mga alagad, sakay ng bangka na hila-hila ang lambat na puno ng isda. Hindi sila gaanong malayo sa pampang, mga siyamnapung metro lamang. Pagkaahon nila sa pampang, nakakita sila roon ng isdang iniihaw sa baga, at ilang tinapay. “Magdala kayo rito ng ilang isdang nahuli ninyo,” sabi ni Jesus. Kaya't sumampa sa bangka si Simon Pedro at hinila sa pampang ang lambat na puno ng malalaking isda; 153 ang lahat ng nahuli nila. Hindi nasira ang lambat, kahit ganoon karami ang mga isda. “Halikayo at mag-almusal tayo,” sabi ni Jesus. Isa man sa mga alagad ay hindi nangahas magtanong sa kanya kung sino siya sapagkat alam nila na siya ang Panginoon. Lumapit si Jesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila. Ganoon din ang kanyang ginawa sa isda. Ito ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga alagad pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay. Pagkakain nila, tinanong ni Jesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit sa mga ito?” “Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo,” tugon niya. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung gayon pakainin mo ang aking mga tupa.” Muli siyang tinanong ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo.” Sabi ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa.” Pangatlong ulit na tinanong siya ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Nalungkot si Pedro sapagkat tatlong beses siyang tinanong ng, “Mahal mo ba ako?” At sumagot siya, “Panginoon, alam po ninyo ang lahat ng bagay; alam ninyong mahal ko kayo.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pakainin mo ang aking mga tupa. Pakatandaan mo: noong bata ka pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili at pumupunta ka kung saan mo gusto. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka sa lugar na di mo gusto.” Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paanong mamamatay si Pedro at kung paano niya pararangalan ang Diyos. Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin!” Lumingon si Pedro at nakita niyang kasunod niya ang alagad na minamahal ni Jesus, ang siyang humilig sa dibdib ni Jesus nang sila'y naghahapunan at nagtanong, “Panginoon, sino po ang magkakanulo sa inyo?” Nang makita siya ni Pedro ay tinanong nito si Jesus, “Panginoon, paano po naman ang taong ito?” Sumagot si Jesus, “Kung nais kong mabuhay siya hanggang sa pagbabalik ko, ano sa iyo? Sumunod ka sa akin!” Kumalat sa mga mananampalataya ang balitang hindi mamamatay ang alagad na ito. Ngunit hindi naman sinabi ni Jesus na hindi siya mamamatay, kundi, “Kung nais kong mabuhay siya hanggang sa pagbabalik ko, ano sa iyo?” Siya ang alagad na nagpapatotoo tungkol sa mga bagay na ito; siya rin ang sumulat ng mga ito at alam naming totoo ang kanyang pahayag. At marami pang ginawa si Jesus na kung isusulat lahat, inaakala kong hindi magkakasya kahit sa buong daigdig ang mga aklat na maisusulat tungkol dito. Mahal kong Teofilo, Sa aking unang aklat ay isinalaysay ko ang lahat ng ginawa at itinuro ni Jesus buhat sa pasimula hanggang sa araw na siya'y umakyat sa langit. Bago siya umakyat, ang mga apostol na kanyang hinirang ay pinagbilinan niya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Sa loob ng apatnapung araw pagkatapos ng kanyang pagkamatay, maraming ulit siyang nagpakita sa kanila at pinatunayan niyang siya'y talagang buháy. Siya'y nagpakita sa kanila at tinuruan niya tungkol sa paghahari ng Diyos. Samantalang siya'y kasama pa nila, pinagbilinan sila ni Jesus, “Huwag muna kayong aalis sa Jerusalem. Sa halip, hintayin ninyo roon ang ipinangako ng Ama na sinabi ko na sa inyo. Si Juan ay nagbautismo sa tubig, ngunit di na magtatagal at babautismuhan kayo sa Espiritu Santo.” Nang muling magkatipon si Jesus at ang mga alagad, nagtanong sila kay Jesus, “Panginoon, itatatag na po ba ninyong muli ang kaharian ng Israel?” Sumagot si Jesus, “Ang mga panahon at pagkakataon ay itinakda ng Ama sa kanyang sariling kapangyarihan, at hindi na kailangan pang malaman ninyo kung kailan iyon. Subalit tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at sa Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.” Pagkasabi nito, si Jesus ay iniakyat sa langit habang ang mga alagad ay nakatingin sa kanya, at natakpan siya ng ulap. Sila'y nakatitig sa langit habang siya'y iniaakyat sa langit. Walang anu-ano'y dalawang lalaking nakaputi ang lumitaw sa tabi nila. Sabi nila, “Kayong mga taga-Galilea, bakit kayo nakatayo rito at nakatingin sa langit? Itong si Jesus na umakyat sa langit ay magbabalik gaya ng nakita ninyong pag-akyat niya.” Nagbalik sa Jerusalem ang mga apostol buhat sa Bundok ng mga Olibo, na halos isang kilometro ang layo sa lunsod. Pagdating sa bahay na kanilang tinutuluyan, umakyat sila sa silid sa itaas. Sila ay sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Felipe, Tomas, Bartolome, Mateo, si Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, at si Judas na anak ni Santiago. Lagi silang nagsasama-sama sa pananalangin kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus; gayundin ang mga kapatid ni Jesus. Makalipas ang ilang araw, nang nagkakatipon ang may 120 kapatid, tumayo sa harap nila si Pedro at nagsalita, “Mga kapatid, kailangang matupad ang sinasabi sa Kasulatan na ipinahayag ng Espiritu Santo sa pamamagitan ni David tungkol kay Judas na nanguna sa mga dumakip kay Jesus. Si Judas ay kabilang sa amin at naging kasama namin sa paglilingkod.” Ang kabayaran sa kanyang pagtataksil ay ibinili niya ng lupa. Doon siya nahulog nang patiwarik at sumabog ang kanyang tiyan at lumabas ang kanyang bituka. Nabalita iyon sa buong Jerusalem, kaya nga't ang lupang iyon ay tinawag na Akeldama sa kanilang wika, na ang kahulugan ay Bukid ng Dugo. Sinabi pa ni Pedro, “Nasusulat sa Aklat ng mga Awit, ‘Ang tirahan niya'y tuluyang layuan, at huwag nang tirhan ninuman.’ Nasusulat din, ‘Ibigay sa iba ang kanyang tungkulin.’ Kaya't pumili sila ng dalawang lalaki, si Matias at si Jose na tinatawag na Barsabas, na kilala rin sa pangalang Justo. Pagkatapos, sila'y nanalangin, “Panginoon, alam ninyo kung ano ang nasa puso ng lahat ng tao. Ipakita po ninyo sa amin kung sino sa dalawang ito ang inyong pinili upang maging apostol na gaganap sa tungkuling tinalikdan ni Judas nang siya'y pumunta sa lugar na nararapat sa kanya.” Nagpalabunutan sila at si Matias ang napili. Kaya't siya ang nadagdag sa labing-isang apostol. Nagkakatipon silang lahat sa isang lugar nang sumapit ang araw ng Pentecostes. Walang anu-ano'y may ingay na nagmula sa langit, na tulad ng ugong ng malakas na hangin, at napuno nito ang bahay na kinaroroonan nila. May nakita silang parang mga dilang apoy na dumapo sa bawat isa sa kanila, at silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu. May mga debotong Judio noon sa Jerusalem na nagmula sa bawat bansa sa buong mundo. Nang marinig nila ang ugong, nagdatingan ang maraming tao. Namangha sila sapagkat nagsasalita ang mga alagad sa wika ng mga nakikinig. Sa pagkamangha at pagtataka ay kanilang nasabi, “Hindi ba taga-Galilea silang lahat? Bakit sila nakapagsasalita sa ating wika? Tayo'y mga taga-Partia, Media, Elam, Mesopotamia, Judea at Capadocia, Ponto at Asia. Mayroon pa sa ating taga-Frigia at Pamfilia, Egipto at sa mga lupain ng Libya na malapit sa bayan ng Cirene, at mga nagmula sa Roma, mga Judio at mga Hentil na naakit sa pananampalatayang Judio. May mga taga-Creta at Arabia rin. Paano sila nakapagsasalita sa ating mga wika tungkol sa mga kahanga-hangang ginawa ng Diyos?” Hindi nila lubusang maunawaan ang nangyari, kaya't nagtatanungan sila, “Ano ang kahulugan nito?” Ngunit may ilang nagsabi nang pakutya, “Lasing lang ang mga iyan!” Kaya't tumayo si Pedro, kasama ng labing-isang apostol, at nagsalita nang malakas, “Mga taga-Judea, at kayong lahat na mga panauhin sa Jerusalem, pakinggan ninyong mabuti ang sasabihin ko. Hindi lasing ang mga taong ito, gaya ng palagay ninyo. Alas nuwebe pa lamang ng umaga ngayon. Ang nakikita ninyo'y katuparan ng ipinahayag ni Propeta Joel, ‘Ito ang gagawin ko sa mga huling araw,’ sabi ng Diyos, ‘Ipagkakaloob ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao; ipahahayag ng inyong mga anak na lalaki at babae ang aking mensahe. Ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain, at ang inyong matatandang lalaki ay magkakaroon ng mga panaginip. Sa panahong iyon, ibubuhos ko rin ang aking Espiritu, sa aking mga alipin, maging lalaki at maging babae, at ipahahayag nila ang aking mensahe. Magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit at mga himala sa lupa; dugo, apoy at makapal na usok. Ang araw ay magdidilim, ang buwan ay pupulang parang dugo, bago dumating ang dakila at maluwalhating araw ng Panginoon. At sa panahong iyon, ang lahat ng hihingi ng tulong sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.’ “Mga Israelita, pakinggan ninyo ito! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Diyos. Pinatunayan ito ng mga himala, mga kababalaghan, at mga palatandaang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat ang lahat ng ito ay naganap sa kalagitnaan ninyo. Ngunit ang taong ito, na ipinagkanulo sa inyo ayon sa pasya at kaalaman ng Diyos sa mula't mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga taong masasama. Subalit siya'y muling binuhay ng Diyos at hinango sa kapangyarihan ng kamatayan, sapagkat hindi siya kayang ikulong nito, gaya ng sinabi ni David tungkol sa kanya, ‘Alam kong kasama ko ang Panginoon sa tuwina, hindi ako matitinag sapagkat kapiling ko siya. Kaya't ako'y nagdiriwang, puso at diwa'y nagagalak, gayundin naman ako'y mabubuhay nang may pag-asa. Sapagkat hindi mo ako pababayaan sa daigdig ng mga patay; at hindi mo pahihintulutang mabulok ang iyong Banal na Lingkod. Itinuro mo sa akin ang mga landas upang ako'y mabuhay, dahil sa ikaw ang kasama ko, ako'y mapupuno ng kagalakan.’ “Mga kapatid, sinasabi ko sa inyo na ang ninuno nating si David ay namatay at inilibing, at naririto ang kanyang libingan hanggang ngayon. Siya'y propeta at alam niya ang pangako sa kanya ng Diyos, na magiging haring tulad niya ang isang magmumula sa kanyang angkan. Kaya't ang muling pagkabuhay ng Cristo ang nakita at ipinahayag ni David nang kanyang sabihin, ‘Hindi siya pinabayaan sa daigdig ng mga patay; at hindi itinulot na mabulok ang kanyang katawan.’ Si Jesus ay muling binuhay ng Diyos at saksi kaming lahat sa pangyayaring iyon. Pinaupo siya sa kanan ng Diyos at tinanggap niya mula sa Ama ang ipinangakong Espiritu Santo. Ito ang kanyang ibinuhos sa amin, tulad ng inyong nakikita at naririnig. Hindi si David ang umakyat sa langit, kundi sinabi lamang niya, ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, “Maupo ka sa kanan ko, hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”’ “Kaya't dapat malaman ng buong Israel na itong si Jesus na ipinako ninyo sa krus ay siyang ginawa ng Diyos na Panginoon at Cristo!” Nabagbag ang kanilang kalooban nang marinig ito, kaya't tinanong nila si Pedro at ang ibang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?” Sumagot si Pedro, “Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang kayo'y patawarin; at ipagkakaloob sa inyo ang Espiritu Santo. Sapagkat ang pangako ay para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, sa bawat taong tatawagin ng ating Panginoong Diyos.” Marami pang inilahad si Pedro upang patunayan ang kanyang sinabi, at nanawagan siya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong mga sarili mula sa parusang sasapitin ng masamang lahing ito.” Kaya't ang mga tumanggap sa sinabi niya ay nagpabautismo, at nadagdagan ang mga alagad ng may tatlong libong katao nang araw na iyon. Nanatili sila sa itinuro ng mga apostol, sa pagsasama-sama bilang magkakapatid, sa pagpipira-piraso ng tinapay, at sa pananalangin. Dahil sa maraming himala at kababalaghang nagagawa sa pamamagitan ng mga apostol, naghari sa lahat ang takot. Nagsasama-sama ang lahat ng sumasampalataya at ang kanilang mga ari-arian ay para sa kanilang lahat. Ipinagbibili nila ang kanilang mga ari-arian at ang napagbilhan ay ipinamamahagi sa bawat isa ayon sa kanyang pangangailangan. Araw-araw, sila'y nagkakatipon sa Templo, masayang nagpipira-piraso ng tinapay sa kanilang mga tahanan, at may malinis na kalooban. Nagpupuri sila sa Diyos, at kinalulugdan rin sila ng lahat ng tao. At bawat araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga inililigtas. Minsan, nagpunta sina Pedro at Juan sa Templo; alas tres ng hapon noon, ang oras ng pananalangin. Sa pintuan ng Templo na tinatawag na Pintuang Maganda ay may isang lalaking lumpo mula pa nang ito'y isilang. Dinadala ito sa Templo araw-araw upang mamalimos sa mga taong pumapasok doon. Nang makita nito sina Pedro at Juan na papasok sa Templo, siya'y humingi ng limos. Tinitigan siya ng dalawa, at sinabi ni Pedro sa kanya, “Tingnan mo kami!” Tumingin nga siya sa kanila sa pag-asang siya'y lilimusan. Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak o ginto, ngunit may iba akong ibibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret, tumayo ka at lumakad.” Hinawakan niya sa kanang kamay ang lumpo at itinayo. Noon di'y lumakas ang mga paa at bukung-bukong ng lalaki; palukso itong tumayo at nagsimulang lumakad. Pumasok siya sa Templong kasama nila habang naglalakad, at lumulundag na nagpupuri sa Diyos. Nakita ito ng lahat, at nang makilala nilang siya ang pulubing dati'y nakaupong namamalimos sa Pintuang Maganda ng Templo, namangha sila at nagtaka sa nangyari sa kanya. Nakahawak pa siya kina Pedro at Juan sa lugar na tinatawag na Portiko ni Solomon, nang patakbong lumapit sa kanila ang mga taong takang-taka sa nangyari. Kaya't sinabi ni Pedro sa mga tao, “Mga Israelita, bakit kayo nagtataka sa nangyaring ito? Bakit ninyo kami tinitingnan nang ganyan? Akala ba ninyo'y napalakad namin siya dahil sa sarili naming kapangyarihan o kabanalan? Pinarangalan ng Diyos ng ating mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob ang kanyang Lingkod na si Jesus na isinakdal ninyo at itinakwil sa harap ni Pilato, gayong ipinasya na ni Pilatong palayain siya. Itinakwil ninyo ang Banal at Matuwid, at hiniling na palayain ang isang mamamatay-tao. Pinatay ninyo ang Pinagmumulan ng buhay, ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos, at saksi kami sa pangyayaring iyon. Ang kapangyarihan ng pangalan ni Jesus ang nagpagaling sa lalaking ito; nangyari ito dahil sa pananalig sa kanyang pangalan. Ang pananalig kay Jesus ang lubusang nagpagaling sa kanya, tulad ng inyong nakikita. “Mga kapatid, alam kong hindi ninyo nalalaman ang inyong ginawa, gayundin ang inyong mga pinuno. Ngunit sa ginawa ninyo'y natupad ang matagal nang ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta na ang Cristo ay kailangang magtiis ng hirap. Kaya nga, magsisi kayo at magbalik-loob sa Diyos upang patawarin kayo sa inyong mga kasalanan, at nang sa gayon ay sumapit na ang panahon ng kapahingahang mula sa Panginoon. Susuguin niya si Jesus, ang Cristong hinirang mula pa noong una para sa inyo. Siya'y dapat munang manatili sa langit hanggang sa dumating ang pagbabago ng lahat ng bagay, ayon sa ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta mula pa noong una. Sapagkat sinabi ni Moises, ‘Mula sa inyo, ang Panginoon ninyong Diyos ay pipili para sa inyo ng isang propetang katulad ko. Sundin ninyo ang lahat ng kanyang sasabihin sa inyo. Ang sinumang hindi sumunod sa propetang iyon ay ihihiwalay sa bayan ng Diyos at lilipulin.’ Ang lahat ng propeta, mula kay Samuel at lahat ng sumunod sa kanya, ay nagpahayag din tungkol sa panahong iyon. Ang mga pangako ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta ay para sa inyo, at kasama kayo sa kasunduan na ginawa ng Diyos at ng inyong mga ninuno nang kanyang sabihin kay Abraham, ‘Pagpapalain ko ang lahat ng angkan sa daigdig sa pamamagitan ng iyong lahi.’ Kaya't matapos buhayin ng Diyos ang kanyang Lingkod, sa inyo siya unang isinugo upang pagpalain at tulungan kayong tumalikod sa inyong masasamang pamumuhay.” Nagsasalita pa sina Pedro at Juan sa mga taong bayan nang dumating ang mga paring Judio, ang kapitan ng mga bantay sa Templo at ang mga Saduseo. Galit na galit sila sa dalawang apostol dahil ipinapangaral nila sa mga tao na si Jesus ay muling nabuhay, at iyon ang katibayan na muling mabubuhay ang mga patay. Kaya't dinakip nila ang dalawa, at ikinulong muna hanggang kinabukasan sapagkat gabi na noon. Gayunman, marami sa nakarinig ng kanilang pangangaral ang sumampalataya kay Jesus, kaya't umabot sa limanlibo ang bilang ng mga lalaki. Kinabukasan, nagtipon sa Jerusalem ang mga tagapanguna ng mga Judio, ang mga matatandang namumuno sa bayan at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Kasama nila si Anas, ang pinakapunong pari, si Caifas, si Juan, si Alejandro, at ang iba pang mga kamag-anak ng pinakapunong pari. Pinaharap nila ang mga apostol at tinanong, “Sa anong kapangyarihan o sa kaninong pangalan ninyo ginagawa ang bagay na ito?” Sumagot si Pedro na puspos ng Espiritu Santo, “Mga tagapanguna at pinuno ng bayan, kung sinisiyasat ninyo kami ngayon tungkol sa kabutihang ginawa namin sa lumpong ito at kung paano siya gumaling, nais kong malaman ninyong lahat at ng buong Israel na ang taong ito ay nakatayo sa inyong harapan at lubusang gumaling dahil sa kapangyarihan ng pangalan ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret, na inyong ipinako sa krus ngunit muling binuhay ng Diyos. Ang Jesus na ito, ‘Ang batong itinakwil ninyong mga tagapagtayo ng bahay, ang siyang naging batong-panulukan.’ Sa kanya lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan ng sinumang tao sa buong mundo na ibinigay ng Diyos sa mga tao upang tayo ay maligtas.” Nagtaka ang buong Sanedrin sa katapangang ipinakita nina Pedro at Juan, lalo na nang malaman nilang mga karaniwang tao lamang ang mga ito at hindi nakapag-aral. Nalaman din nilang dating kasamahan ni Jesus ang mga ito. Ngunit dahil kaharap nila ang taong pinagaling, na nakatayo sa tabi nina Pedro at Juan, wala silang masabi laban sa dalawa. Kaya't ang dalawa ay pinalabas muna ng Sanedrin, at saka sila nag-usap. “Ano ang gagawin natin sa mga taong ito? Hayag na sa buong Jerusalem na isang pambihirang himala ang naganap sa pamamagitan nila; hindi natin ito maikakaila. Pagsabihan na lamang natin sila na huwag nang magsalita kaninuman tungkol kay Jesus upang huwag nang mabalita ang pangyayaring ito.” Kaya't muli nilang ipinatawag sina Pedro at pinagsabihang huwag nang magsasalita o magtuturo pang muli tungkol kay Jesus. Subalit sumagot sina Pedro at Juan, “Kayo na ang humatol kung alin ang tama sa paningin ng Diyos, ang sumunod sa inyo o ang sumunod sa Diyos. Hindi maaaring di namin ipahayag ang aming nakita at narinig.” Wala silang makitang paraan upang parusahan ang dalawa, sapagkat ang mga tao'y nagpupuri sa Diyos dahil sa nangyari. Kaya't binalaan nila ang dalawa nang lalo pang mahigpit, at saka pinalaya. Ang lalaking pinagaling ay mahigit nang apatnapung taóng gulang. Nang palayain na sina Pedro at Juan, pumunta sila sa mga kasamahan nila at ibinalita ang sinabi ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan. Nang marinig ito ng mga mananampalataya, sama-sama silang nanalangin sa Diyos, “Panginoon, kayo po ang lumikha ng langit at ng lupa, ng dagat at ng lahat ng nilalaman nito! Kayo po ang nagsalita sa pamamagitan ng aming ninunong si David na inyong lingkod nang sabihin niya sa patnubay ng Espiritu Santo, ‘Bakit galit na galit ang mga Hentil, at ang mga tao'y nagbabalak ng walang kabuluhan? Naghahandang makibaka ang mga hari sa lupa, at nagtitipon ang mga pinuno laban sa Panginoon at sa kanyang Hinirang.’ Nagkatipon nga sa lunsod na ito sina Herodes at Poncio Pilato, kasama ang mga Hentil at ang buong Israel, laban sa inyong banal na Lingkod na si Jesus, ang inyong Hinirang. Nagkatipon sila kaya't naisakatuparan ang mga dapat mangyari, ayon sa itinakda ninyo noon pang una. At ngayon, Panginoon, tingnan ninyo, pinagbabantaan nila kami. Tulungan ninyo ang inyong mga alipin na maipangaral nang buong tapang ang inyong salita. Iunat ninyo ang inyong kamay upang magpagaling, at loobin ninyo na sa pangalan ng inyong banal na Lingkod na si Jesus ay makagawa kami ng mga himala.” Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang kanilang pinagtitipunan. Silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at buong tapang na nangaral ng salita ng Diyos. Nagkakaisa ang damdamin at isipan ng lahat ng mananampalataya, at di itinuturing ninuman na sarili niya ang kanyang mga ari-arian, kundi para sa lahat. Taglay ang dakilang kapangyarihan, ang mga apostol ay patuloy na nagpapatotoo tungkol sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus. At ibinuhos ng Diyos ang kanyang pagpapala sa kanilang lahat. Walang kinakapos sa kanila sapagkat ipinagbibili nila ang kani-kanilang lupa o bahay, at ang pinagbilhan ay dinadala nila sa mga apostol. Ipinamamahagi naman iyon ayon sa pangangailangan ng bawat isa. Ganoon ang ginawa ni Jose, isang Levitang taga-Cyprus, na tinawag ng mga apostol na Bernabe, na ang ibig sabihi'y “Anak na Matulungin.” Ipinagbili niya ang kanyang bukid at ibinigay sa mga apostol ang pinagbilhan. Mayroon namang mag-asawa na nagbenta rin ng kanilang ari-arian; Ananias ang pangalan ng lalaki at Safira naman ang babae. Subalit nagsabwatan ang dalawa at hindi ibinigay ni Ananias sa mga apostol ang buong pinagbilhan. Kaya't sinabi ni Pedro, “Ananias, bakit ka nagpadala kay Satanas at nagsinungaling ka sa Espiritu Santo? Bakit mo binawasan ang pinagbilhan mo ng lupa? Bago mo ipinagbili ang lupa, hindi ba iyo iyon? At nang maipagbili na, hindi ba iyo rin ang pinagbilhan? Bakit mo naisipang gawin iyon? Hindi ka sa tao nagsinungaling kundi sa Diyos.” Nang marinig ito ni Ananias, siya'y patay na bumagsak, at lahat ng nakabalita sa pangyayaring iyon ay pinagharian ng matinding takot. Lumapit ang ilang binata, binalot ang bangkay, at siya'y inilibing. Pagkaraan ng may tatlong oras, dumating naman ang kanyang asawa na walang kamalay-malay sa nangyari. Kinausap siya ni Pedro, “Sabihin mo sa akin, ito nga ba lamang ang kabuuang halagang pinagbilhan ninyo ng inyong lupa?” “Oo, iyan lamang,” sagot ng babae. Kaya't sinabi sa kanya ni Pedro, “Bakit nagkaisa kayong subukin ang Espiritu ng Panginoon? Hayan! Kadarating pa lamang ng mga naglibing sa iyong asawa, at ikaw naman ngayon ang isusunod nilang ilibing!” Noon di'y nabuwal si Safira sa paanan ni Pedro at namatay. Pagpasok ng mga binata, nakita nilang patay na siya kaya't inilibing siya sa tabi ng kanyang asawa. Nakadama ng matinding takot ang buong iglesya at ang lahat ng nakabalita nito. Maraming himalang ginawa ang mga apostol, na pawang nasaksihan ng mga tao. Sa Portiko ni Solomon nagtitipon ang mga mananampalataya, ngunit natatakot sumama sa kanila ang mga di mananampalataya, kahit na humahanga ang mga ito sa kanila. Samantala, parami nang parami ang mga lalaki at babaing nananalig sa Panginoon. Dinadala sa mga lansangan ang mga maysakit at inilalagay sa mga papag at banig upang pagdaan ni Pedro ay matamaan man lamang ng kanyang anino ang ilan sa kanila. Dumating din ang maraming tao mula sa mga karatig-bayan ng Jerusalem, dala ang kanilang mga maysakit at mga pinapahirapan ng masasamang espiritu; at gumaling silang lahat. Nainggit sa mga apostol ang pinakapunong pari at ang mga kasamahan niyang Saduseo, kaya't kumilos sila. Dinakip nila ang mga apostol at ibinilanggo. Ngunit kinagabiha'y binuksan ng isang anghel ng Panginoon ang bilangguan at inilabas ang mga apostol. Sinabi nito sa kanila, “Pumunta kayo sa Templo at ipahayag sa tao ang buong mensahe tungkol sa bagong pamumuhay na ito.” Kaya nang mag-uumaga na, pumasok sa Templo ang mga apostol at nagturo sa mga tao. Nagtipon naman ang pinakapunong pari at ang kanyang mga kasamahan, at tumawag ng pangkalahatang pulong ng buong Sanedrin. Ipinakuha nila sa bilangguan ang mga apostol, ngunit ang mga ito ay wala na nang dumating doon ang mga kawal kaya't nagbalik sila sa Sanedrin at nag-ulat, “Nakita po namin na nakasusing mabuti ang pintuan ng bilangguan at nakatayo roon ang mga bantay. Ngunit nang buksan namin, wala kaming nakitang tao sa loob!” Nang marinig ito, nabahala ang mga punong pari at ang kapitan ng mga bantay sa Templo. Hindi nila maubos-maisip kung ano ang nangyari sa mga apostol. Siya namang pagdating ng isang taong ganito ang sabi, “Tingnan po ninyo, ang mga lalaking ipinakulong ninyo ay naroon sa Templo at nagtuturo sa mga tao.” Kaya't pumunta sa Templo ang kapitan, kasama ang kanyang mga tauhan. Isinama nila ang mga apostol, ngunit hindi sila gumamit ng dahas sa pangambang baka sila pagbabatuhin ng mga tao. Iniharap nila sa Sanedrin ang mga apostol at siniyasat sila ng pinakapunong pari. Sinabi niya, “Hindi ba't mahigpit namin kayong pinagbawalang mangaral sa pangalan ng Jesus na iyan? Ngunit tingnan ninyo ang inyong ginawa! Laganap na sa Jerusalem ang inyong itinuturo at nais pa ninyo kaming papanagutin sa pagkamatay ng taong iyan!” Sumagot si Pedro at ang ibang mga apostol, “Sa Diyos kami dapat sumunod, at hindi sa tao. Ang Diyos ng ating mga ninuno ang muling bumuhay kay Jesus na pinatay ninyo nang siya'y inyong ipapako sa krus. Iniakyat siya ng Diyos sa kanyang kanan bilang Tagapanguna at Tagapagligtas, upang bigyan ang mga Israelita ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa kasalanan, at nang sa gayon ay magkamit sila ng kapatawaran. Saksi kami sa mga bagay na ito, kami at ang Espiritu Santo na ipinagkaloob ng Diyos sa mga sumusunod sa kanya.” Nagngitngit sa galit ang mga bumubuo ng Sanedrin nang marinig ito, at nais nilang ipapatay ang mga apostol. Ngunit tumayo ang isa sa kanila na ang pangalan ay Gamaliel, isang Pariseong guro ng Kautusan at iginagalang ng buong bayan. Iniutos niyang ilabas muna ang mga apostol, at pagkatapos ay nagsalita, “Mga kababayan, isipin ninyong mabuti ang gagawin ninyo sa mga taong ito. Hindi pa nagtatagal mula nang lumitaw si Teudas na nagpanggap na isang dakilang pinuno, at nakaakit ng may apatnaraang tagasunod. Ngunit nang mapatay siya, nagkahiwa-hiwalay ang kanyang mga tauhan at nauwi sa wala ang kanilang kilusan. Pagkatapos, lumitaw naman si Judas na taga-Galilea noong panahon ng pagpapatala ng mga mamamayan, at nakaakit din ito ng maraming tauhan. Nang mapatay siya, nagkahiwa-hiwalay din ang mga tagasunod niya. Kaya't ganito ang payo ko: huwag ninyong pakialaman ang mga taong ito; hayaan ninyo sila. Kung ang kanilang plano o kilusan ay mula sa tao, ito'y kusang maglalaho. Ngunit kung ito'y mula sa Diyos, hindi ninyo ito mahahadlangan, at lilitaw pang kayo'y lumalaban sa Diyos!” Sinunod nga nila ang payo ni Gamaliel. Pinapasok nilang muli ang mga apostol, at matapos ipahagupit at pagbawalang mangaral sa pangalan ni Jesus, ang mga ito'y pinalaya. Nilisan ng mga apostol ang Sanedrin at sila'y galak na galak sapagkat minarapat ng Diyos na sila'y magdanas ng panlalait alang-alang sa pangalan ni Jesus. At araw-araw, nagpupunta sila sa Templo at sa mga bahay-bahay upang magturo at mangaral tungkol kay Jesus, ang Cristo. Patuloy ang pagdami ng mga mananampalataya at dumating ang panahong nagreklamo ang mga Helenista laban sa mga Hebreo. Sinabi nilang ang mga biyuda sa pangkat nila ay napapabayaan sa pang-araw-araw na pamamahagi ng ikabubuhay. Kaya't tinipon ng Labindalawa ang buong kapulungan ng mga mananampalataya at sinabi sa kanila, “Hindi namin dapat pabayaan ang pangangaral ng salita ng Diyos upang mangasiwa sa pamamahagi ng ikabubuhay. Kaya, mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking iginagalang, puspos ng Espiritu, at matatalino upang ilagay namin sila sa tungkuling ito. Samantala, iuukol naman namin ang aming panahon sa pananalangin at sa pangangaral ng salita.” Nalugod ang buong kapulungan sa panukalang ito, kaya't pinili nila si Esteban, isang lalaking lubusang nananampalataya sa Diyos at puspos ng Espiritu Santo, at sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at si Nicolas na taga-Antioquia, isang Hentil na nahikayat sa pananampalataya ng mga Judio. Nang iharap sila sa mga apostol, sila'y ipinanalangin at pinatungan ng kamay. Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at ang mga sumasampalataya ay parami nang parami sa Jerusalem. Maging sa mga paring Judio ay marami ring sumampalataya. Pinagpala ng Diyos si Esteban at pinagkalooban ng kapangyarihan, kaya't nakakagawa siya ng maraming kababalaghan at himala sa harapan ng madla. Minsan, nakipagtalo sa kanya ang ilang kasapi ng sinagoga ng mga Pinalaya, na binubuo ng mga Judiong taga-Cirene, Alejandria, Cilicia, at Asia. Ngunit wala silang magawâ sa karunungang kaloob ng Espiritu kay Esteban. Kaya't lihim nilang sinulsulan ang ilang lalaki na magpatotoo laban sa kanya ng ganito, “Narinig naming nilalait niya si Moises at ang Diyos.” Sa gayon, naudyukan nilang magalit kay Esteban ang mga tao, ang mga pinuno ng bayan at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y sinunggaban nila at dinala sa Sanedrin. Nagharap sila ng mga sinungaling na saksi laban kay Esteban. Sinabi nila, “Ang taong ito ay walang tigil ng pagsasalita laban sa banal na Templo at sa Kautusan ni Moises. Narinig naming sinasabi niya na ang Templo raw ay gigibain nitong si Jesus na taga-Nazaret, at papalitan ang mga kaugaliang ipinamana sa atin ni Moises.” Si Esteban ay pinagmasdang mabuti ng lahat ng nakaupo sa Sanedrin, at nakita nila na ang kanyang mukha ay parang mukha ng anghel. Si Esteban ay tinanong ng pinakapunong pari, “Totoo ba ang lahat ng ito?” Sumagot si Esteban, “Mga kapatid at mga magulang, pakinggan ninyo ang sasabihin ko. Ang dakila at makapangyarihang Diyos ay nagpakita sa ating ninunong si Abraham nang siya'y nasa Mesopotamia pa, bago siya nanirahan sa Haran. Sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Iwanan mo ang iyong lupain at mga kamag-anakan at pumunta ka sa lupaing ituturo ko sa iyo.’ “Kaya't umalis siya sa lupain ng mga Caldeo at nanirahan sa Haran. Pagkamatay ng kanyang ama, siya'y pinalipat ng Diyos sa lupaing ito na inyong tinitirhan ngayon. Gayunman, hindi pa siya binigyan dito ng Diyos ng kahit na kapirasong lupa, ngunit ipinangako sa kanya na ang lupaing ito ay magiging pag-aari niya at ng magiging lahi niya, kahit na wala pa siyang anak noon. Ganito ang sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Makikitira sa ibang lupain ang iyong magiging lahi. Aalipinin sila roon at pahihirapan sa loob ng apatnaraang taon, ngunit paparusahan ko ang bansang aalipin sa kanila. Aalis sila roon at sasamba sa akin sa lugar na ito.’ At iniutos ng Diyos kay Abraham ang pagtutuli bilang palatandaan ng kanilang kasunduan. Kaya't nang isilang si Isaac, tinuli niya ito sa ikawalong araw. Ganoon din ang ginawa ni Isaac sa anak niyang si Jacob, at ginawa naman ni Jacob sa labindalawa niyang anak na lalaki, na siyang naging mga ama ng labindalawang lipi. “Ang mga anak na lalaki ni Jacob ay nainggit sa kapatid nilang si Jose, kaya't siya'y ipinagbili nila upang maging alipin sa Egipto. Ngunit kasama niya ang Diyos, at hinango siya ng Diyos sa lahat ng kanyang kahirapan. Pinagpala siya ng Diyos at pinagkalooban ng karunungan nang humarap siya sa Faraon, ang hari ng Egipto. Siya'y ginawa nitong gobernador ng Egipto at tagapamahala ng buong sambayanan ng hari. “Nagkaroon ng taggutom at matinding paghihirap sa buong Egipto at Canaan. Maging ang ating mga ninuno ay walang makunan ng pagkain. Kaya't nang mabalitaan ni Jacob na may trigo sa Egipto, pinapunta niya roon ang ating mga ninuno. Sa ikalawang pagpunta nila, nagpakilala si Jose sa kanyang mga kapatid, at nalaman naman ng Faraon ang tungkol sa kanyang pamilya. Dahil dito'y ipinasundo ni Jose ang kanyang amang si Jacob at ang buong pamilya nito, pitumpu't limang katao silang lahat. Pumunta nga si Jacob sa Egipto at doon siya namatay, gayundin ang kanyang mga anak. Ang kanilang mga labî ay dinala sa Shekem at inilagay sa libingang binili ni Abraham sa mga anak ni Hamor. “Maraming-marami na ang mga Israelita sa Egipto nang sumapit ang panahon para tuparin ng Diyos ang kanyang pangako kay Abraham. Si Jose naman ay hindi na kilala ng hari ng Egipto nang panahong iyon. Dinaya at pinahirapan ng hari ang ating ninuno at iniutos niya na itapon ang kanilang mga sanggol upang mamatay. Noon ipinanganak si Moises, isang batang kinalulugdan ng Diyos. Tatlong buwan siyang inalagaan sa kanilang tahanan, at nang siya'y itapon, inampon siya ng anak na babae ng Faraon, at pinalaking parang sariling anak. Tinuruan siya sa lahat ng karunungan ng mga Egipcio, at siya'y naging dakila sa salita at sa gawa. “Nang si Moises ay apatnapung taon na, nagpasya siyang dalawin ang kanyang mga kababayang Israelita upang tingnan ang kanilang kalagayan. Nakita niyang inaapi ng isang Egipcio ang isa sa kanila, kaya't ipinagtanggol niya ito, at napatay niya ang Egipciong iyon. Akala ni Moises ay mauunawaan ng kanyang mga kababayan na sila'y ililigtas ng Diyos sa pamamagitan niya. Ngunit hindi nila ito naunawaan. Kinabukasan, may nakita siyang dalawang Israelitang nag-aaway, at sinikap niyang sila'y pagkasunduin. Sabi niya, ‘Mga kaibigan, pareho kayong Israelita. Bakit kayo nag-aaway?’ Subalit tinabig siya ng lalaking nananakit at pinagsabihan ng ganito: ‘Sino ang naglagay sa iyo upang mamahala at humatol sa amin? Nais mo rin ba akong patayin gaya ng ginawa mo kahapon doon sa Egipcio?’ Nang marinig ito ni Moises, siya'y tumakas at nanirahan sa lupain ng Midian. Nag-asawa siya roon at nagkaanak ng dalawang lalaki. “Makalipas ang apatnapung taon, samantalang si Moises ay nasa ilang na di-kalayuan sa Bundok ng Sinai, nagpakita sa kanya ang isang anghel sa isang nagliliyab na mababang punongkahoy. Namangha si Moises sa kanyang nakita, at nang lapitan niya ito upang tingnang mabuti, narinig niya ang tinig ng Panginoon, ‘Ako ang Diyos na sinamba ng iyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob.’ Nanginig sa takot si Moises at hindi makatingin. Sinabi sa kanya ng Panginoon, ‘Alisin mo ang iyong sandalyas sapagkat banal na lugar ang kinaroroonan mo. Nakita ko ang paghihirap ng aking bayan sa Egipto; narinig ko ang kanilang daing, at bumabâ ako upang sila'y iligtas. Halika't isusugo kita sa Egipto.’ “Itinakwil nila si Moises nang kanilang sabihin, ‘Sino ang naglagay sa iyo upang maging pinuno at hukom namin?’ Ngunit ang Moises ding iyon ang isinugo ng Diyos upang mamuno at magligtas sa kanila, sa tulong ng anghel na nagpakita sa kanya sa mababang punongkahoy. Sila ay hinango niya sa kanilang kahirapan sa pamamagitan ng mga himalang ginawa niya sa Egipto, sa Dagat na Pula at sa ilang, sa loob ng apatnapung taon. Siya rin ang Moises na nagsabi sa mga Israelita, ‘Mula sa inyo, ang Diyos ay pipili ng isang propeta upang gawing propetang tulad ko.’ Siya ang kasama ng mga Israelita sa ilang. Siya ang nakipag-usap sa anghel na nagsalita sa kanya at sa ating mga ninuno sa Bundok ng Sinai. Siya ang tumanggap ng mga salitang nagbibigay-buhay mula sa Diyos upang ibigay sa atin. “Ngunit hindi siya sinunod ng ating mga ninuno. Sa halip, siya'y kanilang itinakwil, at mas gusto pa nilang magbalik sa Egipto. Sinabi pa nila kay Aaron, ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin, sapagkat hindi namin alam kung napaano na ang Moises na iyan na naglabas sa amin mula sa lupain ng Egipto.’ At gumawa nga sila ng isang diyus-diyosang kahawig ng guya. Nag-alay sila ng handog at ipinagpista ang diyus-diyosang hinugis ng kanilang kamay. Dahil diyan, itinakwil sila ng Diyos at hinayaang sumamba sa mga bituin sa langit, ayon sa nakasulat sa aklat ng mga propeta: ‘Bayang Israel, hindi naman talaga ako ang tunay na hinandugan ninyo ng mga alay at mga hayop na pinatay sa loob ng apatnapung taóng kayo'y nasa ilang. Sa halip, ang inyong dala-dala ay ang santuwaryo ni Molec, at ang bituin ng inyong diyus-diyosang si Renfan. Dahil ginawa ninyo ang mga rebultong ito upang sambahin, kayo ay dadalhing mga bihag sa kabila pa ng Babilonia.’ “Kasama ng ating mga ninuno sa ilang ang Toldang Tipanan na ipinagawa ng Diyos kay Moises ayon sa anyong ipinakita sa kanya. Minana ito ng kanilang mga anak at dinala-dala habang sinasakop nila ang lupain ng mga bansang ipinalupig sa kanila ng Diyos sa pangunguna ni Josue. Ito'y nanatili roon hanggang sa kapanahunan ni David. Kinalugdan ng Diyos si David, at humingi ito ng pahintulot na magtayo ng tahanan para sa Diyos ng Israel. Ngunit si Solomon na ang nagtayo ng tahanang iyon. “Gayunman, ang Kataas-taasang Diyos ay hindi naninirahan sa mga bahay na ginawa ng tao. Sabi nga ng propeta, ‘Ang langit ang aking trono,’ sabi ng Panginoon, ‘at ang lupa ang aking tuntungan. Ano pang bahay ang itatayo ninyo para sa akin, o anong lugar ang pagpapahingahan ko? Hindi ba't ako ang gumawa ng lahat ng ito?’ “Napakatigas ng ulo ninyo! Ayaw ninyong magbago ng inyong kalooban! Ayaw ninyong dinggin ang katotohanang mula sa Diyos! Kung ano ang ginawa ng inyong mga ninuno, iyon din ang ginagawa ninyo ngayon; lumalaban kayong lagi sa Espiritu Santo. Sinong propeta ang hindi inusig ng inyong mga ninuno? Pinatay nila ang mga nagpapahayag tungkol sa pagparito ng Matuwid na inyo namang pinagtaksilan at ipinapatay. Tinanggap ninyo ang kautusang ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng mga anghel, ngunit hindi naman ninyo ito sinusunod.” Nagalit kay Esteban ang buong Sanedrin nang marinig iyon at nagngitngit sila laban sa kanya. Ngunit si Esteban, na puspos ng Espiritu Santo, ay tumingala sa langit, at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at si Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos. Kaya't sinabi niya, “Nakikita kong bukás ang kalangitan, at ang Anak ng Tao na nakatayo sa kanan ng Diyos.” Tinakpan nila ang kanilang tainga at nagsigawan; pagkatapos, sabay-sabay nilang sinugod si Esteban at kinaladkad palabas ng lunsod upang batuhin. Inilagay ng mga saksi ang kanilang mga balabal sa paanan ng isang binatang nagngangalang Saulo. At pinagbabato nila si Esteban, na nananalangin naman ng ganito: “Panginoong Jesus, tanggapin mo po ang aking espiritu.” Lumuhod si Esteban at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag mo po silang pananagutin sa kasalanang ito!” At pagkasabi nito, siya'y namatay. Kasang-ayon si Saulo sa pagkapatay kay Esteban. Nang araw na iyon, nagsimula ang mahigpit na pag-uusig laban sa iglesya sa Jerusalem; at maliban sa mga apostol, ang lahat ng sumasampalataya ay napunta sa iba't ibang lugar sa lupain ng Judea at Samaria. Si Esteban nama'y inilibing ng mga taong may takot sa Diyos at tinangisan nang gayon na lamang. Samantala, sinikap ni Saulo na wasakin ang iglesya; pinapasok niya ang mga bahay-bahay at ang mga mananampalataya ay kanyang kinakaladkad at ibinibilanggo, maging lalaki man o babae. Dahil dito, nagkahiwa-hiwalay ang mga mananampalataya sa iba't ibang lugar, ngunit saanman sila makarating ay ipinapangaral nila ang salita. Nagpunta si Felipe sa lunsod ng Samaria at ipinahayag doon ang Cristo. Nang mapakinggan ng mga tao si Felipe at makita ang mga himalang ginagawa niya, inisip nilang mabuti ang kanyang sinasabi. Ang masasamang espiritu ay umaalis sa mga taong sinasapian ng mga ito at sumisigaw habang lumalabas. Maraming lumpo at pilay ang napagaling kaya't nagkaroon ng malaking kagalakan sa lunsod na iyon. Doo'y may isang lalaking ang pangalan ay Simon. Noong una, pinapahanga niya ang mga Samaritano sa pamamagitan ng salamangka. Ipinagmamalaki niya na siya'y may taglay na kapangyarihan, at pinapakinggan naman siya ng lahat, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila, “Ang lalaking ito ang tinatawag na Dakilang Kapangyarihan, ang kapangyarihan ng Diyos,” sabi nila. Mahabang panahon ding sila'y pinahanga niya sa pamamagitan ng kanyang salamangka, kaya't siya'y patuloy na pinapakinggan nila. Ngunit nang ipangaral ni Felipe ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos at tungkol kay Jesu-Cristo, sumampalataya at nagpabautismo ang mga lalaki't babae. Pati si Simon ay sumampalataya rin, at nang mabautismuhan ay patuloy siyang sumama kay Felipe. Humanga si Simon nang makita niya ang mga himala. Nang mabalitaan ng mga apostol sa Jerusalem na tinanggap ng mga Samaritano ang salita ng Diyos, isinugo nila roon sina Pedro at Juan. Pagdating doon, ipinanalangin ng dalawang apostol ang mga Samaritano upang sila'y tumanggap din ng Espiritu Santo, sapagkat hindi pa ito bumababa sa kaninuman sa kanila. Sila'y nabautismuhan pa lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus. Ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang kamay sa mga Samaritano at tumanggap ang mga ito ng Espiritu Santo. Nakita ni Simon na ang Espiritu'y ipinagkakaloob sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay ng mga apostol, kaya't inalok niya ng salapi sina Pedro at Juan. “Bigyan ninyo ako ng kapangyarihang ito upang ang sinumang patungan ko ng kamay ay tumanggap din ng Espiritu Santo,” sabi niya. Sinagot siya ni Pedro, “Mapapahamak ka, ikaw at ang iyong salapi, sapagkat inakala mong mabibili ng salapi ang kaloob ng Diyos! Wala kang bahagi ni karapatan sa bagay na ito, sapagkat alam ng Diyos na marumi ang puso mo. Pagsisihan mo ang iyong kasamaan at manalangin ka sa Panginoon, na nawa'y patawarin ka niya sa masama mong hangarin, dahil nakikita kong inggit na inggit ka at bilanggo ng kasalanan.” Sumagot si Simon, “Idalangin ninyo ako sa Panginoon, para hindi ko sapitin ang alinman sa mga sinabi ninyo!” Bumalik sa Jerusalem sina Pedro at Juan pagkatapos magpatotoo at mangaral ng salita ng Panginoon sa lunsod ng Samaria. Ipinangaral nila ang Magandang Balita tungkol kay Cristo sa maraming nayon ng Samaria na kanilang dinaanan. Pagkatapos, si Felipe ay inutusan naman ng isang anghel ng Panginoon, “Pumunta ka agad sa gawing timog sa daang mula sa Jerusalem papuntang Gaza.” Hindi na iyon dinadaanan ngayon. Pumunta nga doon si Felipe, at dumating naman ang isang pinunong taga-Etiopia, na ingat-yaman ng Candace o reyna ng Etiopia. Galing ito sa Jerusalem at sumamba sa Diyos. Pauwi na ito noon, nakasakay sa kanyang karwahe at nagbabasa ng aklat ni Propeta Isaias. “Sabayan mo ang sasakyang iyon,” utos ng Espiritu kay Felipe. Kaya patakbong lumapit si Felipe at narinig niyang binabasa ng pinuno ang aklat ni Propeta Isaias. Tinanong ni Felipe ang pinuno, “Nauunawaan ba ninyo ang inyong binabasa?” Sagot naman nito, “Paano ko mauunawaan ito kung walang magpapaliwanag sa akin?” At si Felipe ay inanyayahan niyang sumakay sa karwahe at umupo sa kanyang tabi. Ito ang bahagi ng kasulatang binabasa niya: “Siya ay tulad ng isang tupang nakatakdang patayin; tulad ng isang korderong hindi tumututol kahit na gupitan. At hindi umiimik kahit kaunti man. Siya'y hinamak at pinagkaitan ng katarungan. Walang sinumang makapagsasalaysay tungkol sa kanyang angkan, sapagkat kinitil nila ang kanyang buhay.” Nagtanong kay Felipe ang pinuno, “Sabihin mo nga sa akin, sino ba ang tinutukoy dito ng propeta? Sarili ba niya o iba?” Simula sa kasulatang ito ay isinalaysay sa kanya ni Felipe ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. Pinatigil ng pinuno ang karwahe, lumusong silang dalawa sa tubig at binautismuhan siya ni Felipe. Pagkaahon nila sa tubig, si Felipe ay kinuha ng Espiritu ng Panginoon at hindi na siya nakita pa ng pinuno. Ang pinuno ay tuwang-tuwang nagpatuloy sa paglalakbay. Namalayan na lamang ni Felipe na siya'y nasa Azoto. Mula roon, ipinangaral niya ang Magandang Balita tungkol kay Jesus sa lahat ng bayang dinaraanan niya hanggang sa marating niya ang Cesarea. Samantala, patuloy ang pagsisikap ni Saulo na maipapatay ang mga alagad ng Panginoon. Kaya't lumapit siya sa Pinakapunong Pari ng mga Judio at humingi ng mga sulat para sa mga sinagoga sa Damasco upang madakip niya at madala sa Jerusalem ang sinumang lalaki o babae na matagpuan niya roong kaanib sa Daan ng Panginoon. Naglakbay si Saulo papuntang Damasco, at nang siya'y malapit na sa lunsod, biglang kumislap sa paligid niya ang isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit. Natumba siya sa lupa at narinig niya ang isang tinig na nagsasabi, “Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig?” “Sino kayo, Panginoon?” tanong niya. “Ako'y si Jesus, ang iyong inuusig,” tugon ng tinig sa kanya. “Tumayo ka't pumasok sa lunsod, at doo'y sasabihin sa iyo kung ano ang dapat mong gawin.” Natigilan ang mga kasama ni Saulo nang marinig nila ang tinig ngunit wala naman silang makitang nagsasalita. Tumayo si Saulo at nang dumilat, hindi na siya makakita, kaya't siya'y inakay ng mga kasama niya hanggang sa Damasco. Hindi siya nakakita sa loob ng tatlong araw, hindi rin siya kumain ni uminom. Sa Damasco naman ay may isang alagad na ang pangala'y Ananias. Tinawag siya ng Panginoon sa pamamagitan ng isang pangitain, “Ananias!” “Ano po iyon, Panginoon,” tugon niya. Inutusan siya ng Panginoon, “Pumunta ka sa kalyeng tinatawag na Tuwid, sa bahay ni Judas, at ipagtanong mo ang isang lalaking taga-Tarso na ang pangala'y Saulo. Siya'y nananalangin ngayon. Sa isang pangitain, nakita ka niyang pumasok sa kinaroroonan niya at pinatungan mo siya ng kamay upang siya'y makakitang muli.” Sumagot si Ananias, “Panginoon, marami na po ang nagbalita sa akin tungkol sa taong ito at tungkol sa mga kasamaang ginawa niya sa inyong mga hinirang sa Jerusalem. At naparito siya sa Damasco, taglay ang kapangyarihang galing sa mga punong pari ng mga Judio, upang dakpin ang lahat ng tumatawag sa iyong pangalan.” Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Pumunta ka roon, sapagkat pinili ko siya upang ipangaral ang aking pangalan sa mga Hentil, sa mga hari, at sa mga anak ng Israel. Ipapaunawa ko sa kanya ang lahat ng dapat niyang tiisin alang-alang sa akin.” Pumunta nga si Ananias sa naturang bahay at ipinatong ang kanyang kamay kay Saulo. Sabi niya, “Kapatid na Saulo, pinapunta ako rito ng Panginoong Jesus na nagpakita sa iyo sa daan nang ikaw ay papunta rito. Isinugo niya ako upang muli kang makakita at upang mapuspos ka ng Espiritu Santo.” Noon di'y may nalaglag na tila mga kaliskis mula sa mga mata ni Saulo at nakakita na siyang muli. Tumayo siya at nagpabautismo. Kumain siya at nagbalik ang kanyang lakas. Si Saulo'y ilang araw na kasa-kasama ng mga alagad sa Damasco. Pumasok siya sa mga sinagoga at nangaral na si Jesus ang Anak ng Diyos. Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa kanya. “Hindi ba siya ang dating umuusig sa mga sumasamba kay Jesus sa Jerusalem?” tanong nila. “Hindi ba't naparito siya upang sila'y dakpin at dalhing nakagapos sa mga punong pari?” Ngunit lalong naging mahusay si Saulo sa kanyang pangangaral at nalito ang mga Judiong naninirahan sa Damasco dahil sa kanyang matibay na pagpapatunay na si Jesus ang siyang Cristo. Pagkaraan ng maraming araw, nagkaisa ang mga Judio na patayin si Saulo. Araw at gabi ay inaabangan nila si Saulo sa mga pintuang-bayan para patayin, ngunit nalaman niya ito. Kaya't isang gabi, inilagay siya ng kanyang mga alagad sa isang malaking basket at ibinabâ sa kabila ng pader. Pagdating ni Saulo sa Jerusalem, sinikap niyang mapabilang sa mga alagad doon. Ngunit sila'y natatakot sa kanya dahil hindi sila makapaniwalang isa na siyang alagad. Subalit isinama siya ni Bernabe sa mga apostol at isinalaysay nito sa kanila kung paano nagpakita at nakipag-usap ang Panginoon kay Saulo nang ito'y nasa daan papunta sa Damasco. Sinabi rin ni Bernabe na buong tapang na nangaral sa Damasco si Saulo sa kapangyarihan ng pangalan ni Jesus. Kaya mula noon, si Saulo'y kasa-kasama nila sa buong Jerusalem, at buong tapang na nangangaral doon sa pangalan ng Panginoon. Nakipag-usap din siya at nakipagtalo sa mga Helenista, kaya't tinangka nilang patayin siya. Nalaman ito ng mga kapatid kaya't inihatid nila si Saulo sa Cesarea at pinauwi sa Tarso. Kaya't ang iglesya sa buong Judea, Galilea at Samaria ay naging mapayapa at patuloy na nagpupuri sa Panginoon. Sa tulong at sa pakikisama ng Espiritu Santo, tumatag at dumami ang mga mananampalataya. Naglalakbay noon si Pedro sa mga bayan-bayan upang dalawin ang mga kapatid sa pananampalataya. Sa pagdalaw niya sa mga kapatid sa Lida, natagpuan niya roon ang isang lalaking nagngangalang Eneas. Ito'y isang paralitiko at walong taon nang nakaratay. Sinabi ni Pedro sa kanya, “Eneas, pinapagaling ka na ni Jesu-Cristo. Tumayo ka't iligpit mo ang iyong higaan!” At agad siyang tumayo. Nakita siya ng lahat ng naninirahan sa Lida at Saron, at nanampalataya sila sa Panginoon. Sa Joppa naman ay may isang alagad na babae na ang pangalan ay Tabita. Sa wikang Griego, ang kanyang pangalan ay Dorcas, na ang kahulugan ay usa. Ginugugol niya ang kanyang panahon sa paggawa ng kabutihan at pagkakawanggawa. Nang mga araw na iyon, nagkasakit siya at namatay. Nilinis ang kanyang bangkay at ibinurol ito sa silid sa itaas. Di-kalayuan sa Joppa ang Lida. Kaya't nang mabalitaan ng mga alagad na nasa Lida si Pedro, isinugo nila ang dalawang lalaki upang siya'y pakiusapang pumunta agad sa Joppa. Sumama naman sa kanila si Pedro, at pagdating doon, dinala siya sa silid sa itaas. Kaagad lumapit sa kanya ang lahat ng mga biyuda; umiiyak sila at ipinapakita ang mga mahabang panloob na kasuotan at mga damit na ginawa ni Dorcas para sa kanila noong ito'y nabubuhay pa. Pinalabas ni Pedro ang lahat at siya'y lumuhod at nanalangin. Pagkatapos, humarap siya sa bangkay at sinabi, “Tabita, bumangon ka!” Dumilat si Tabita at naupo nang makita nito si Pedro. Hinawakan ni Pedro ang kanyang kamay at tinulungang bumangon. Pagkatapos, tinawag niya ang mga mananampalataya at ang mga biyuda, at iniharap sa kanila si Dorcas na buháy na. Ang pangyayaring ito'y nabalita sa buong Joppa kaya't marami ang sumampalataya sa Panginoon. Matagal-tagal ding nanatili si Pedro sa Joppa, sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Sa Cesarea ay may isang lalaking nagngangalang Cornelio. Isa siyang kapitan sa “Batalyong Italiano” ng hukbong Romano. Siya ay isang debotong tao. Siya at ang buo niyang pamilya ay sumasamba sa Diyos. Siya'y matulungin sa mga Judio at laging nananalangin sa Diyos. Minsan, nang bandang alas tres ng hapon, nagkaroon siya ng isang pangitain; kitang-kita niyang pumasok ang isang anghel ng Diyos at siya'y tinawag, “Cornelio.” Tumingin siya at takot na takot na nagtanong, “Ano po iyon?” Sumagot ang anghel, “Kinalulugdan ng Diyos ang iyong mga dalangin at ang pagtulong mo sa mahihirap. Magsugo ka ngayon din ng ilang tao sa Joppa upang sunduin ang isang taong nagngangalang Simon, na tinatawag ding Pedro. Siya'y nanunuluyan sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Siya ay nakatira sa may tabing-dagat.” Pagkaalis ng anghel, tumawag si Cornelio ng dalawang utusan at isang debotong kawal, isa sa mga naglilingkod sa kanya. Isinalaysay niya sa kanila ang pangyayari; at pagkatapos, pinapunta sila sa Joppa. Kinabukasan, samantalang naglalakbay at malapit na sa Joppa ang mga inutusan ni Cornelio, si Pedro nama'y umakyat sa bubungan upang manalangin. Bandang tanghali na noon. Siya'y nagutom at gusto na niyang kumain. Ngunit habang naghihintay siyang maihanda ang pagkain, nagkaroon siya ng isang pangitain. Nabuksan ang langit at nakita niyang ibinababâ sa lupa ang isang parang malaking kumot na nakabitin sa apat na sulok. Naroon sa kumot ang lahat ng uri ng hayop, mga lumalakad, gumagapang, at lumilipad. Narinig niya ang isang tinig, “Pedro! tumindig ka, magkatay ka at kumain.” Ngunit sumagot si Pedro, “Hindi ko po magagawa iyan, Panginoon! Kailanma'y hindi ako kumain ng anumang marumi.” Muli niyang narinig ang tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos.” Tatlong ulit na nangyari ito, at pagkatapos ay kaagad na iniakyat sa langit ang kumot na iyon. Habang pinag-iisipan ni Pedro kung ano ang kahulugan ng pangitaing iyon, dumating naman sa lunsod ang mga isinugo ni Cornelio. Ipinagtanong nila ang bahay ni Simon at pagdating doon ay tumawag sila sa may pintuan. Itinanong nila kung doon nga nanunuluyan si Simon na tinatawag ding Pedro. Pinag-iisipan pa ni Pedro ang kahulugan ng pangitain nang sabihin sa kanya ng Espiritu, “Tingnan mo, may tatlong lalaking naghahanap sa iyo sa ibaba. Bumabâ ka't huwag mag-atubiling sumama sa kanila dahil ako ang nagsugo sa kanila.” Nanaog nga si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo?” Sumagot ang mga lalaki, “Kami'y pinapunta dito ni Kapitan Cornelio. Siya'y isang mabuting tao, may takot sa Diyos, at iginagalang ng mga Judio. Sinabi sa kanya ng isang anghel na ipasundo kayo at pakinggan ang sasabihin ninyo.” Pinatuloy sila ni Pedro at doon pinatulog nang gabing iyon. Kinabukasan, siya'y sumama sa kanila, gayundin ang ilang kapatid na taga-Joppa. Nang sumunod na araw, dumating sila sa Cesarea. Doo'y naghihintay na sa kanila si Cornelio, pati ang mga kamag-anak at kaibigan na kanyang inanyayahan. Sinalubong ni Cornelio si Pedro, nagpatirapa sa harap nito at sinamba. Ngunit sinabi ni Pedro, “Tumayo kayo, ako'y tao ring tulad ninyo.” Patuloy silang nag-uusap habang pumapasok sa bahay, at nakita ni Pedro na maraming taong natitipon doon. Sinabi niya, “Alam naman ninyo na bawal sa isang Judio ang makihalubilo o dumalaw sa isang hindi Judio. Subalit ipinakita sa akin ng Diyos na wala akong dapat ituring na marumi at di karapat-dapat pakitunguhan. Kaya't nang ipasundo ninyo ako, hindi ako nag-atubiling sumama. Nais kong malaman kung bakit ninyo ako ipinasundo.” Sumagot si Cornelio, “May apat na araw na ngayon ang nakakalipas, bandang alas tres din ng hapon, habang ako'y nananalangin dito sa aking bahay, biglang tumayo sa harap ko ang isang lalaking nakakasilaw ang kasuotan. “Sinabi niya, ‘Cornelio, dininig ng Diyos ang iyong mga panalangin at kinalulugdan niya ang pagtulong mo sa mahihirap. Ipasundo mo sa Joppa si Simon Pedro. Nanunuluyan siya sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Siya ay nakatira sa tabing-dagat.’ Kaya't kaagad akong nagsugo sa inyo ng ilang tao, at salamat naman at kayo'y pumarito. Ngayon ay nagtitipon kami sa harap ng Diyos upang makinig sa anumang ipinapasabi ng Panginoon. ” At nagsalita si Pedro, “Ngayon ko lubusang naunawaan na talagang walang itinatangi ang Diyos. Nalulugod siya sa sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid, kahit tagasaan mang bansa. Ibinigay ng Diyos ang kanyang salita sa mga Israelita. Ipinahayag niya sa kanila ang Magandang Balita ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na siyang Panginoon ng lahat! Alam ninyo ang pangyayaring naganap sa buong lupain ng mga Judio, na nagsimula sa Galilea pagkatapos na ipangaral ni Juan ang mensahe tungkol sa bautismo. Kilala ninyo si Jesus na taga-Nazaret at alam din ninyo kung papaanong pinili siya ng Diyos at kung papaanong pinuspos ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan. Alam din ninyo na saanman siya magpunta, gumagawa siya ng kabutihan sa mga tao at nagpapagaling sa lahat ng pinapahirapan ng diyablo, sapagkat kasama niya ang Diyos. “Saksi kami sa lahat ng ginawa niya sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem. Siya'y pinatay nila; siya ay ipinako nila sa krus. Ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos sa ikatlong araw at hinayaang makita ng mga tao; hindi siya nakita ng lahat ng tao, subalit nakita namin siya. Kami na mga pinili ng Diyos bilang mga saksi patungkol dito ay nakasama niyang kumain at uminom pagkatapos na siya'y muling mabuhay. Inatasan niya kaming mangaral sa mga tao at magpatotoo na siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buháy at mga patay. Siya ang tinutukoy ng mga propeta nang kanilang ipahayag na ang bawat sumampalataya sa kanya ay tatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.” Nagsasalita pa si Pedro, nang bumabâ ang Espiritu Santo sa lahat ng mga nakikinig. Namangha ang mga mananampalatayang Judio na kasama ni Pedro sapagkat ang Espiritu Santo ay ipinagkaloob din sa mga Hentil. Narinig nila ang mga ito na nagsasalita sa iba't ibang wika at nagpupuri sa Diyos. Kaya't sinabi ni Pedro, “Tulad natin, sila'y pinagkalooban din ng Espiritu Santo. Sino ang makakapagbawal na bautismuhan sila sa tubig?” At iniutos niyang bautismuhan sila sa pangalan ni Jesu-Cristo. Pagkatapos, hiniling nila kay Pedro na manatili pa roon nang ilang araw. Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid sa buong Judea na may mga Hentil na tumanggap na rin sa salita ng Diyos. Kaya't nang si Pedro'y pumunta sa Jerusalem, tinuligsa siya ng mga kapatid na masugid sa pagsunod sa Kautusan. “Bakit ka pumasok sa bahay ng mga Hentil at nakisalo pa sa kanila?” tanong nila. Kaya't isinalaysay sa kanila ni Pedro ang buong pangyayari. “Ako'y nasa lunsod ng Joppa at nananalangin nang magkaroon ako ng isang pangitain. Mula sa langit ay ibinabâ sa kinaroroonan ko ang isang tila malaking kumot na nakabitin sa apat na sulok. Pinagmasdan ko itong mabuti at nakita ko roon ang iba't ibang uri ng hayop, lumalakad at gumagapang sa lupa, mababangis, at mga lumilipad. Pagkatapos ay narinig ko ang isang tinig na nag-utos, ‘Pedro, tumayo ka. Magkatay ka at kumain!’ Subalit sumagot ako, ‘Hindi ko magagawa iyan, Panginoon. Hindi ako kumakain ng anumang pagkaing marumi.’ Muli kong narinig ang tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos!’ Tatlong ulit na nangyari iyon, at pagkatapos ay hinila na pataas sa langit ang lahat ng iyon. “Nang sandali ring iyon, dumating sa bahay na tinutuluyan ko ang tatlong lalaking sinugo sa akin buhat sa Cesarea. Sinabi sa akin ng Espiritu na huwag akong mag-atubiling sumama sa kanila. Sumama rin sa akin ang anim na kapatid na ito at pumasok kami sa bahay ni Cornelio. Isinalaysay niya sa amin na nakakita siya ng isang anghel na nakatayo sa loob ng kanyang bahay at sinabi raw sa kanya, ‘Magpadala ka ng mga sugo sa Joppa at ipasundo mo si Simon na tinatawag ding Pedro. Sasabihin niya sa iyo ang mga kinakailangan upang ikaw at ang iyong sambahayan ay maligtas.’ “Nagsisimula pa lamang akong magsalita ay bumabâ na sa kanila ang Espiritu Santo gaya ng ginawa nito sa atin noong una. At naalala ko ang sinabi ng Panginoon, ‘Si Juan ay nagbabautismo sa tubig, ngunit babautismuhan kayo ng Espiritu Santo.’ Kung binigyan sila ng Diyos ng kaloob na tulad ng ibinigay niya sa atin noong tayo'y manalig sa Panginoong Jesu-Cristo, sino ako para hadlangan ang Diyos?” Nang marinig nila ito, tumigil na sila ng pagtuligsa at sa halip ay nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Kung gayon, ang mga Hentil man ay binigyan din ng Diyos ng pagkakataong magsisi't magbagong-buhay upang maligtas!” Ang mga mananampalataya ay nagkahiwa-hiwalay dahil sa pag-uusig na nagsimula noong patayin si Esteban. May nakarating sa Fenicia, sa Cyprus at sa Antioquia. Saanman sila makarating, ipinapangaral nila ang salita, ngunit sa mga Judio lamang. Subalit may kasama silang ilang mga taga-Cyprus at mga taga-Cirene na pagdating sa Antioquia ay nangaral din sa mga Griego tungkol sa Panginoong Jesus. Nasa kanila ang kapangyarihan ng Panginoon, at maraming naniwala at nanalig sa Panginoong Jesus. Nang mabalitaan ito ng iglesya sa Jerusalem, isinugo nila sa Antioquia si Bernabe. Nang dumating siya roon at makita ang pagpapala ng Diyos sa kanila, siya'y nagalak at pinagpayuhan silang lahat na manatiling tapat sa Panginoon nang buong puso. Mabuting tao si Bernabe, puspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya sa Diyos. At marami pang tao ang sumampalataya sa Panginoon. Nagpunta si Bernabe sa Tarso upang hanapin si Saulo, at nang kanyang matagpuan ay isinama niya ito sa Antioquia. Isang taon silang nanatili roon na kasa-kasama ng iglesya, at nagtuturo sa maraming tao. Doon sa Antioquia unang tinawag na Cristiano ang mga tagasunod ni Jesus. Nang panahong iyon, dumating sa Antioquia ang ilang propeta mula sa Jerusalem. Tumayo ang isa sa kanila na ang pangala'y Agabo, at sa kapangyarihan ng Espiritu ay nagpahayag na magkakaroon ng matinding taggutom sa buong daigdig. Nangyari nga iyon noong kapanahunan ni Emperador Claudio. Napagpasyahan ng mga mananampalataya na magpadala ng tulong sa mga kapatid na naninirahan sa Judea, ayon sa kakayanan ng bawat isa. Ganoon nga ang ginawa nila; ipinadala nila ang kanilang tulong sa mga namumuno sa iglesya sa pamamagitan nina Bernabe at Saulo. Nang mga panahon ding iyon, sinimulang usigin ni Haring Herodes ang ilang kaanib ng iglesya. Pinapugutan niya sa pamamagitan ng tabak si Santiago na kapatid ni Juan. At nang makita niyang ito'y ikinalugod ng mga Judio, si Pedro naman ang kanyang ipinadakip. Nangyari ito noong Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Pagkadakip kay Pedro, siya'y ikinulong at pinabantayan sa apat na pangkat ng tig-aapat na kawal. Ang balak ni Herodes ay iharap siya sa bayan pagkatapos ng Paskwa, kaya't nanatiling nakabilanggo si Pedro. Samantala, ang iglesya nama'y taimtim na nananalangin sa Diyos para kay Pedro. Nang gabing iyon, natutulog si Pedro sa pagitan ng dalawang kawal. Nakagapos siya ng dalawang tanikala at may mga bantay pa sa harap ng pinto ng bilangguan. Balak ni Herodes na iharap siya sa bayan kinabukasan. Walang anu-ano'y lumitaw ang isang anghel ng Panginoon at nagliwanag na mabuti sa bilangguan. Tinapik nito si Pedro sa tagiliran at ginising. “Dali, bumangon ka,” sabi ng anghel. Nakalag ang mga tanikala sa mga kamay ni Pedro. “Magbihis ka't magsuot ng sandalyas,” sabi ng anghel, at ganoon nga ang kanyang ginawa. Sinabi pa sa kanya ng anghel, “Magbalabal ka't sumunod sa akin.” Sumunod nga si Pedro sa anghel, ngunit hindi niya alam kung totoo nga ang nangyayaring iyon. Akala niya'y nananaginip lamang siya. Nakalampas sila sa una at pangalawang bantay at nakarating sa pintuang bakal na labasan papunta sa lunsod. Ito'y kusang nabuksan at sila'y lumabas. Pagkaraan nila sa isang kalye, biglang nawala ang anghel. Noon natauhan si Pedro, kaya't sinabi niya, “Ngayon ko natiyak na totoo pala ang lahat! Isinugo ng Panginoon ang kanyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes at sa ibig ng mga Judio na mangyari sa akin.” Nang mapag-isip-isip niya ito, nagpunta siya sa bahay ni Maria na ina ni Juan na tinatawag ding Marcos. Maraming nagkakatipon doon at nananalangin. Nang si Pedro ay kumatok sa pinto, lumapit si Roda na isang katulong upang tingnan kung sino iyon. Nakilala niya agad ang tinig ni Pedro, at sa laki ng tuwa ay hindi na nagawang buksan ang pinto. Sa halip, tumakbo siyang papasok at sinabi sa lahat na si Pedro ay nasa pintuan. “Nahihibang ka ba?” sabi nila. Ngunit iginiit niyang naroroon nga si Pedro. Kaya't sinabi nila, “Baka naman anghel niya iyon!” Samantala patuloy na kumakatok si Pedro. Nang buksan nila ang pinto, nakita nga nila si Pedro at hindi sila makapaniwala. Sila ay sinenyasan niyang tumahimik. Pagkatapos, isinalaysay niya kung paano siya inilabas ng Panginoon mula sa bilangguan. “Sabihin ninyo ito kay Santiago at sa mga kapatid,” sabi pa niya. Pagkatapos, umalis siya at nagpunta sa ibang lugar. Kinaumagahan, gulung-gulo ang mga kawal dahil sa pagkawala ni Pedro, at hindi nila alam kung ano ang nangyari sa kanya. Ipinahanap ni Herodes si Pedro, at nang hindi matagpuan ay ipinasiyasat ang mga bantay at ipinapatay. Pagkatapos, umalis si Herodes sa Judea, pumunta sa Cesarea at nanatili roon. Matagal nang galit si Herodes sa mga taga-Tiro at mga taga-Sidon. Kaya't napagkasunduan ng mga taga-Tiro at taga-Sidon na lumapit sa kanya upang makipagkasundo, sapagkat sa lupain ng hari nanggagaling ang ikinabubuhay ng kanilang bayan. Nakiusap sila kay Blasto, ang mayordomo ng hari, upang sila'y samahan. Pagsapit ng takdang araw, si Herodes ay nagsuot ng damit-hari, umupo sa trono, at nagtalumpati. Sumigaw ang bayan, “Isang diyos ang nagsasalita, hindi tao!” At noon din ay hinampas ng isang anghel ng Panginoon si Herodes, sapagkat inangkin niya ang karangalang nauukol sa Diyos; at siya'y kinain ng mga uod hanggang sa mamatay. Samantala, lumalaganap naman ang salita ng Diyos, at lalong dumarami ang mga mananampalataya. Nang matapos nina Bernabe at Saulo ang kanilang tungkulin, bumalik sila sa Jerusalem kasama si Juan na tinatawag ding Marcos. May mga propeta at mga guro sa iglesya sa Antioquia. Kabilang dito sina Bernabe, Simeon na tinatawag ding Itim, Lucio na taga-Cirene, Manaen na kababata ni Herodes na pinuno ng Galilea at Saulo. Habang sila'y nag-aayuno at sumasamba sa Panginoon, sinabi sa kanila ng Espiritu Santo, “Ibukod ninyo sina Bernabe at Saulo. Sila'y pinili ko para sa tanging gawaing inilaan ko sa kanila.” Pagkatapos nilang mag-ayuno at manalangin, ipinatong nila sa dalawa ang kanilang mga kamay at sila'y pinalakad na. Dahil isinugo ng Espiritu Santo, sina Bernabe at Saulo ay nagpunta sa Seleucia at buhat doo'y sumakay sila sa isang barkong papunta sa Cyprus. Nang dumating sila sa Salamina, ipinahayag nila ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio roon. Katulong nila si Juan sa kanilang gawain. Nilibot nila ang buong pulo hanggang sa Pafos. Natagpuan nila roon ang isang salamangkerong Judio na nagkukunwaring propeta; Bar-Jesus ang kanyang pangalan. Kaibigan ito ni gobernador Sergio Paulo, isang lalaking matalino. Ipinatawag ng gobernador sina Bernabe at Saulo sapagkat nais niyang marinig ang salita ng Diyos. Ngunit sinalungat sila ng salamangkerong si Elimas (ito ang pangalan ni Bar-Jesus sa wikang Griego) upang huwag sumampalataya ang gobernador. Si Saulo, na tinatawag ring Pablo, ay puspos ng Espiritu Santo. Tinitigan niya si Elimas at pinagsabihan, “Ikaw! Anak ka ng diyablo! Kaaway ka ng lahat ng mabuti! Puno ka ng pandaraya at kasamaan! Bakit ba lagi mong pinipilipit ang katotohanan tungkol sa Panginoon? Ngayon, paparusahan ka niya! Mabubulag ka sa loob ng kaunting panahon.” Noon di'y naramdaman ni Elimas na parang tinakpan ng maitim na ulap ang kanyang mga mata, at siya'y naghanap ng taong aakay sa kanya. Sumampalataya ang gobernador nang makita ang nangyari, at humanga ito sa mga katuruan tungkol sa Panginoon. Mula sa Pafos, naglayag sina Pablo hanggang sa Perga sa Pamfilia; humiwalay naman sa kanila si Juan at nagbalik sa Jerusalem. Mula sa Perga, nagpatuloy sila hanggang Antioquia sa Pisidia. Nang Araw ng Pamamahinga, pumasok sila sa sinagoga at naupo. Matapos basahin ang ilang bahagi ng mga aklat ng Kautusan at ng mga Propeta, nagpasabi sa kanila ang mga tagapamahala ng sinagoga, “Mga kapatid, kung mayroon kayong ituturo sa mga tao, maaari kayong magsalita.” Kaya't tumayo si Pablo at sinenyasan silang tumahimik, “Mga Israelita, at kayong lahat na may takot sa Diyos, makinig kayo! Ang Diyos ng ating bansang Israel ang pumili sa ating mga ninuno. Sila'y ginawa niyang isang malaking bansa habang naninirahan pa sila sa lupain ng Egipto, at sila'y inilabas niya doon sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan. Sa loob ng apatnapung taon, sila ay pinagtiisan niya sa ilang. Nilipol niya ang pitong bansa sa lupain ng Canaan at ibinigay sa mga Israelita ang lupain ng mga Canaanita sa loob ng halos 450 taon. “Pagkatapos, sila'y binigyan niya ng mga hukom, hanggang sa panahon ng propetang si Samuel. Nang humingi sila ng hari, ibinigay sa kanila ng Diyos ang isang lalaking mula sa lipi ni Benjamin, si Saul na anak ni Cis. Naghari si Saul sa loob ng apatnapung taon. At nang siya'y alisin ng Diyos, si David naman ang pinili ng Diyos upang maghari sa kanila. Sinabi ng Diyos tungkol sa kanya, ‘Si David, na anak ni Jesse, ay isang lalaking mula sa aking puso. Siya'y handang sumunod sa lahat ng iniuutos ko.’ “Sa angkan ng lalaking ito nagmula si Jesus, ang Tagapagligtas na ipinangako ng Diyos sa Israel. Bago siya dumating, nangaral si Juan sa buong Israel na dapat nilang pagsisihan at talikuran ang kanilang mga kasalanan, at magpabautismo. Nang matatapos na ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Sino ba ako sa akala ninyo? Hindi ako ang Cristo. Ngunit siya'y darating na kasunod ko. At hindi ako karapat-dapat kahit magkalag man lamang ng kanyang sandalyas.’ “Mga kapatid kong mula sa lahi ni Abraham, at mga taong may takot sa Diyos, tayo ang pinadalhan ng balitang ito tungkol sa kaligtasan. Hindi nakilala ng mga taga-Jerusalem at ng kanilang mga pinuno na si Jesus ang Tagapagligtas. Hindi rin nila naunawaan ang mga pahayag ng mga propeta, na binabasa nila tuwing Araw ng Pamamahinga. Ngunit sila na rin ang nagsakatuparan ng pahayag na iyon nang si Jesus ay hatulan nila ng kamatayan. Kahit na wala silang sapat na dahilan upang siya'y ipapatay, hiniling pa rin nila kay Pilato na siya'y hatulan ng kamatayan. At nang matupad na nila ang lahat ng nasusulat tungkol sa kanya, siya ay ibinabâ nila sa krus at inilibing. “Subalit siya'y muling binuhay ng Diyos, at sa loob ng maraming araw, siya ay nagpakita sa mga sumama sa kanya sa Jerusalem mula sa Galilea. Ngayon, sila ang mga saksi niya sa mga Israelita. Ngayon ay dala namin sa inyo ang Magandang Balita, na ang pangako ng Diyos sa ating mga ninuno ay tinupad na sa atin na kanilang mga anak, nang muli niyang buhayin si Jesus. Ito ang nakasulat sa ikalawang Awit, ‘Ikaw ang aking Anak, mula ngayo'y ako na ang iyong Ama.’ Tungkol naman sa kanyang muling pagkabuhay at di pagkabulok ng kanyang katawan ay sinabi ng Diyos, ‘Ipagkakaloob ko sa inyo ang mga banal at maaasahang pagpapala gaya ng ipinangako ko kay David.’ At sinabi rin niya sa iba pang bahagi, ‘Hindi mo hahayaang dumanas ng pagkabulok ang iyong Banal.’ “Nang maisagawa na ni David ang kalooban ng Diyos, siya'y namatay at inilibing sa piling ng kanyang mga ninuno, at siya'y dumanas ng pagkabulok. Subalit si Jesus ay muling binuhay ng Diyos at hindi dumanas ng pagkabulok. Dapat ninyong malaman, mga kapatid, na sa pamamagitan ni Jesus ay ipinangaral sa inyo ang kapatawaran ng kasalanan. At ang lahat ng sumasampalataya sa kanya ay pinapatawad na sa lahat ng pagkakasalang hindi naipatawad sa inyo sa pamamagitan ng pagtupad ng Kautusan ni Moises. Kaya't mag-ingat kayo upang hindi mangyari sa inyo ang sinabi ng mga propeta, ‘Tingnan ninyo, kayong mga nangungutya sa Diyos! Manggigilalas kayo at mapapahamak! Sapagkat isasagawa ko sa inyong kapanahunan ang isang bagay na hindi ninyo paniniwalaan, kahit na may magpaliwanag pa nito sa inyo!’” Nang sina Pablo at Bernabe ay palabas na sa sinagoga, inanyayahan sila ng mga tao na magsalita muli tungkol sa mga bagay na ito sa susunod na Araw ng Pamamahinga. Pagkatapos ng pulong, sumunod kina Pablo at Bernabe ang maraming Judio at mga debotong Hentil na nahikayat mula sa relihiyong Judaismo. Nagsalita sa kanila ang mga apostol at pinangaralan silang magpatuloy sa pamumuhay nang nararapat ayon sa kagandahang-loob ng Diyos. Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga, halos lahat ng tao sa lunsod ay nagkatipon upang makinig sa salita ng Panginoon. Inggit na inggit naman ang mga Judio nang makita nila ang napakaraming tao, kaya't nilait nila at sinalungat si Pablo. Ngunit buong tapang na sinabi nina Pablo at Bernabe, “Sa inyo muna sana dapat ipahayag ang salita ng Diyos. Ngunit dahil itinatakwil ninyo ito, hinahatulan ninyo ang inyong sarili na kayo'y hindi karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, kaya't sa mga Hentil na kami mangangaral. Ganito ang iniutos sa amin ng Panginoon, ‘Inilagay kitang liwanag sa mga Hentil upang maipangaral mo ang kaligtasan hanggang sa dulo ng daigdig.’” Nang marinig ng mga Hentil ang mga salitang iyon, sila'y nagalak at nagpuri sa Panginoon dahil sa salita niya, at sumampalataya ang lahat ng hinirang para sa buhay na walang hanggan. Kaya't lumaganap sa buong lupain ang salita ng Panginoon. Ngunit sinulsulan ng mga Judio ang mga pinuno ng lunsod at ang mga debotong babae at kilala sa lipunan; ipinausig nila sina Pablo at Bernabe, at pinalayas sa lupaing iyon. Kaya't ipinagpag ng dalawa ang alikabok sa kanilang mga paa bilang saksi laban sa mga tagaroon, at sila'y nagpunta sa Iconio. Ang mga alagad naman sa Antioquia ay napuspos ng kagalakan at ng Espiritu Santo. Gayundin ang nangyari sa Iconio; sina Pablo at Bernabe ay pumasok sa sinagoga ng mga Judio. Napakahusay ng kanilang pangangaral kaya't maraming Judio at Griego ang sumampalataya. Gayunman, may ilang Judiong ayaw sumampalataya. Sinulsulan pa nila ang mga Hentil at nilason ang isip ng mga ito laban sa mga mananampalataya. Nanatili roon nang matagal sina Pablo at Bernabe, at buong tapang silang nangaral tungkol sa Panginoon. Pinapatunayan naman ng Panginoon na totoo ang pangangaral nila tungkol sa kanyang kagandahang-loob sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kapangyarihang gumawa ng mga himala. Kaya't nahati ang mga tao sa lunsod; may pumapanig sa mga Judio, may pumapanig naman sa mga apostol. Napagkasunduan ng mga Hentil, ng mga Judio, at ng kanilang mga pinuno, na hamakin at pagbabatuhin ang mga apostol. Subalit nang malaman iyon ng dalawa, sila'y tumakas papuntang Listra at Derbe, mga lunsod ng Licaonia, at sa mga karatig na lupain, at doon sila nangaral ng Magandang Balita. at malakas na sinabi, “Tumayo ka!” Lumukso ang lalaki at nagsimulang lumakad. Nang makita ng mga taong-bayan ang ginawa ni Pablo, sumigaw sila sa wikang Licaonia, “Nanaog sa atin ang mga diyos sa anyong tao!” Tinawag nilang Zeus si Bernabe, at si Pablo nama'y Hermes, sapagkat siya ang tagapagsalita. Nasa bungad ng lunsod ang templo ni Zeus, at nang mabalitaan ng pari ni Zeus ang nangyari, nagdala siya ng mga torong may kuwintas na bulaklak sa may pintuan ng lunsod upang ialay sa mga apostol bilang handog niya at ng bayan. Nang malaman ito nina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang mga damit at patakbong pumagitna sa mga tao. Sumigaw sila, “Mga ginoo, huwag ninyong gawin iyan! Mga tao rin kaming tulad ninyo! Ipinapangaral namin sa inyo ang Magandang Balita upang talikuran ninyo ang mga walang kabuluhang bagay na iyan, at manumbalik kayo sa Diyos na buháy na lumikha ng langit, lupa, dagat, at lahat ng naroroon. Sa mga panahong nakalipas, hinayaan niyang gawin ng lahat ng bansa anuman ang kani-kanilang maibigan. Gayunman, nagbigay siya ng sapat na katibayan upang makilala ninyo siya sa pamamagitan ng kabutihang ginagawa niya sa inyo. Binibigyan niya kayo ng ulan mula sa langit at ng masaganang ani sa takdang panahon. Binubusog niya kayo ng pagkain at pinupuno ng kagalakan ang inyong mga puso.” Sa kabila ng mga pananalitang ito, nahirapan pa rin si Bernabe at si Pablo na pigilin ang mga tao na sila'y alayan ng mga handog. Ngunit may mga Judiong dumating doon mula sa Antioquia at Iconio. Sinulsulan nila ang mga taga-Listra laban kay Pablo, kaya't siya'y pinagbabato nila. Pagkatapos, siya ay kinaladkad nila sa labas ng bayan, sa pag-aakalang siya'y patay na, subalit nang dumating ang mga alagad at palibutan siya, tumayo si Pablo at pumasok sa lunsod. Kinabukasan, nagpunta sila ni Bernabe sa Derbe. Ang Magandang Balita ay ipinangaral nina Pablo at Bernabe sa Derbe, at marami silang nahikayat na maging alagad. Pagkatapos, nagbalik sila sa Listra, Iconio, at Antioquia ng Pisidia. Pinalakas nila ang loob ng mga alagad at pinayuhang manatiling tapat sa pananampalataya. “Daranas muna tayo ng maraming kapighatian upang makapasok sa kaharian ng Diyos,” sabi nila sa mga alagad. Sa bawat iglesya ay pumili sila ng mga matatandang mamumuno, at matapos manalangin at mag-ayuno, ang mga ito'y itinagubilin nila sa Panginoon na kanilang pinagtitiwalaan. Tinahak nila ang Pisidia at nakarating sila sa Pamfilia. Ipinangaral nila sa Perga ang salita ng Diyos at pagkatapos ay tumuloy sila sa Atalia. Mula roon, naglayag silang pabalik sa Antioquia. Dito sila ay ipinagkatiwala sa pagkalinga ng Diyos dahil sa gawaing kanilang natapos na. Pagdating sa Antioquia tinipon nila ang mga kaanib sa iglesya at isinalaysay ang lahat ng ginawa ng Diyos sa kanila, at kung paanong binuksan niya ang pintuan sa mga Hentil upang ang mga ito'y sumampalataya rin. At matagal silang nanatili roon kasama ng mga alagad. May dumating doon na ilang taong mula sa Judea at nagturo sa mga kapatid, “Kapag hindi kayo nagpatuli ayon sa kaugaliang itinuturo ni Moises, hindi kayo maliligtas.” Mahigpit itong tinutulan nina Pablo at Bernabe at naging mainitan ang kanilang pagtatalo. Kaya't napagpasyahang papuntahin sa Jerusalem sina Pablo at Bernabe at ilan pang kapatid na taga-Antioquia, upang ang suliraning ito ay isangguni sa mga apostol at sa pinuno ng iglesya. Isinugo nga sila ng iglesya at pagdaan nila sa Fenicia at Samaria, ibinalita nila roon na marami nang mga Hentil ang nahikayat sa pananampalataya. Ito nama'y labis na ikinagalak ng mga kapatid. Pagdating nila sa Jerusalem, malugod silang tinanggap ng mga apostol, ng mga pinuno, at ng buong iglesya. Isinalaysay nila ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila. Ngunit tumayo naman ang ilang mananampalatayang kabilang sa pangkat ng mga Pariseo at kanilang sinabi, “Kailangang tuliin at utusang tumupad sa Kautusan ni Moises ang mga Hentil na sumasampalataya.” Nagpulong ang mga apostol at ang matatandang namumuno sa iglesya upang pag-aralan ang suliraning ito. Pagkatapos ng mahabang pagtatalo, tumayo si Pedro at nagsalita, “Mga kapatid, nalalaman ninyo na noong mga nakaraang araw, hinirang ako ng Diyos upang mangaral ng Magandang Balita sa mga Hentil, at sila naman ay sumampalataya. Ang Diyos na nakakasaliksik ng puso ang nagpatotoo na sila'y tinatanggap din niyang tulad natin nang ipagkaloob niya sa kanila ang Espiritu Santo. Iisa ang pagtingin ng Diyos sa kanila at sa atin; nilinis din niya ang kanilang puso sapagkat sila'y nanalig kay Jesu-Cristo. Bakit ba marunong pa kayo sa Diyos? Bakit ninyo iniaatang sa mga mananampalataya ang isang pasaning hindi nakayang dalhin ng ating mga ninuno at hindi rin natin kayang pasanin? Sumampalataya tayo at naligtas sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Panginoong Jesus; gayundin naman sila.” Tumahimik ang buong kapulungan at nakinig sila habang isinasalaysay nina Bernabe at Pablo ang mga himalang ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan nila. Pagkatapos, si Santiago naman ang nagsalita, “Mga kapatid, makinig kayo sa akin. Katatapos pa lamang isalaysay ni Simon ang unang pagkatawag ng Diyos sa mga Hentil upang sila rin ay maging bayan niya. Ito ay sumasang-ayon sa ipinahayag ng mga propeta, tulad ng nasusulat, ‘Pagkatapos nito ay babalik ako, at muli kong itatayo ang bumagsak na kaharian ni David. Muli ko itong ibabangon mula sa kanyang pagkaguho, upang hanapin at sambahin ng lahat ng mga tao ang Panginoon; ng lahat ng bansang tinawag ko upang maging akin. Ganoon ang sinabi ng Panginoon na nagpahayag ng mga bagay na ito mula pa noong una.’ “Kaya't ang pasya ko'y huwag nating gawing mahirap para sa mga Hentil ang paglapit sa Diyos. Sa halip, sulatan natin sila at sabihang huwag kumain ng anumang inihandog sa diyus-diyosan, huwag makikiapid, huwag kakain ng hayop na binigti, at huwag kakain ng dugo. Sapagkat mula pa noong unang panahon, ang Kautusan ni Moises ay binabasa na sa mga sinagoga tuwing Araw ng Pamamahinga at ang aral niya ay itinuturo sa bawat bayan.” Kaya't minabuti ng mga apostol, ng mga pinuno ng iglesya, at ng buong iglesya na pumili ng ilan sa kanila upang suguin sa Antioquia, kasama nina Pablo at Bernabe. Ang mga napili nila ay si Judas na tinatawag na Barsabas at si Silas, na mga lalaking iginagalang ng mga kapatid. Ipinadala nila sa kanila ang sulat na ganito ang nilalaman: “Kaming mga apostol at pinuno ng iglesya ay bumabati sa mga mananampalatayang Hentil sa Antioquia, sa Siria at sa Cilicia. Nabalitaan naming ginugulo kayo ng ilang kasamahan naming galing dito, kahit na hindi namin sila inuutusan. At binabagabag nila kayo sa pamamagitan ng kanilang itinuturo, kaya't napagkaisahan naming magpadala sa inyo ng mga sugo. Kasama sila ng ating minamahal na sina Bernabe at Pablo, mga taong hindi nag-atubiling itaya ang kanilang buhay sa paglilingkod sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Isinugo namin sa inyo sina Judas at Silas upang ipaliwanag ang sinasabi sa sulat na ito. Sapagkat minabuti namin at ng Espiritu Santo na huwag na kayong atangan ng iba pang pasanin maliban sa mga bagay na talagang kailangan. Huwag kayong kakain ng anumang inihandog sa mga diyus-diyosan, ng dugo at ng hayop na binigti. Huwag kayong makikiapid. Layuan ninyo ang mga iyan at mapapabuti kayo. Paalam.” At pinalakad nila ang mga sugo. Pagdating sa Antioquia, tinipon ng mga ito ang mga kapatid at ibinigay ang sulat. Pagkabasa sa sulat, nagalak ang lahat dahil sa kanilang narinig. Sina Judas at Silas, na mga propeta rin, ay maraming itinuro sa mga kapatid na nakapagpalakas ng kanilang loob at nakapagpatibay ng kanilang pananampalataya. Nanatili naman sina Pablo at Bernabe sa Antioquia; at kasama ng marami pang iba, sila'y nagturo at nangaral ng salita ng Panginoon. Makalipas ang ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe, “Balikan natin at dalawin ang mga kapatid sa mga bayan kung saan tayo nangaral ng salita ng Panginoon at tingnan natin kung ano ang kalagayan nila.” Nais ni Bernabe na isama si Juan na tinatawag ding Marcos. Ngunit ayaw ni Pablo, sapagkat hindi ito nagpatuloy na sumama sa kanilang gawain, sa halip, ito'y humiwalay sa kanila sa Pamfilia. Nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo kaya't naghiwalay sila. Isinama ni Bernabe si Marcos at naglayag sila papuntang Cyprus. Isinama naman ni Pablo si Silas at sila'y umalis, matapos ipanalangin ng mga kapatid na ingatan sila ng Panginoon. Naglakbay sila sa Siria at Cilicia at pinatatag ang mga iglesya roon. Nagpunta rin si Pablo sa Derbe at sa Listra. Naroroon si Timoteo na isang alagad. Ang kanyang ina ay isang mananampalatayang Judio at ang kanyang ama nama'y isang Griego. Mataas ang pagtingin ng mga kapatid sa Listra at sa Iconio kay Timoteo. Ibig isama ni Pablo si Timoteo kaya't tinuli niya ito alang-alang sa mga Judio sa lunsod na iyon, dahil alam nilang lahat na ang kanyang ama ay isang Griego. Sa bawat lunsod na kanilang dalawin, ipinaaalam nila sa mga kapatid ang pasya ng mga apostol at mga pinuno ng iglesya sa Jerusalem, at iniutos na sundin iyon. Kaya't tumibay sa pananampalataya ang kaanib ng bawat iglesya, at araw-araw nadaragdagan ang bilang ng mga alagad. Sapagkat binawalan sila ng Espiritu Santo na mangaral sa lalawigan ng Asia, naglakbay sina Pablo sa lupain ng Frigia at Galacia. Pagdating sa hangganan ng Misia, nais nilang pumasok sa Bitinia, subalit hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Jesus. Kaya't dumaan sila ng Misia at nagpunta sa Troas. Kinagabihan, nagkaroon si Pablo ng isang pangitain; isang lalaking taga-Macedonia ang nakatayo at nakikiusap sa kanya, “Pumarito kayo sa Macedonia at tulungan ninyo kami.” Pagkatapos ng pangitaing ito, gumayak agad kami sapagkat natiyak naming kami'y tinatawag ng Diyos upang ipangaral sa Macedonia ang Magandang Balita. Mula sa Troas, tuluy-tuloy kaming naglayag papuntang Samotracia, at kinabukasa'y sa Neapolis. Mula naman roo'y nagpunta kami sa Filipos, na isang kolonyang Romano at pangunahing lunsod sa dakong iyon ng Macedonia. Nanatili kami roon nang ilang araw. At nang Araw ng Pamamahinga, lumabas kami ng lunsod at nagpunta sa tabing-ilog, sa pag-aakalang doon ay may pinagtitipunan ang mga Judio upang manalangin. Naupo kami at nakipag-usap sa mga babaing nagkakatipon doon. Kabilang dito ang isang sumasamba sa Diyos na nagngangalang Lydia na taga-Tiatira; siya'y isang negosyante na nagtitinda ng mamahaling telang kulay ube. Binuksan ng Panginoon ang kanyang isip at kanyang pinaniwalaan ang ipinapangaral ni Pablo. Nagpabautismo siya at ang kanyang buong pamilya. Pagkatapos, sinabi niya, “Kung itinuturing po ninyo akong tunay na lingkod ng Panginoon, doon na kayo tumuloy sa amin.” At tinanggap naman namin ang kanyang paanyaya. Isang araw, nang kami'y papunta sa pook-dalanginan, nasalubong namin ang isang batang babaing alipin. Siya'y nakakapanghula dahil sinasapian siya ng masamang espiritu. Malaki ang kinikita ng kanyang mga amo dahil sa kanyang panghuhula. Sinundan-sundan niya kami nina Pablo, at sumisigaw ng ganito: “Ang mga taong ito'y lingkod ng Kataas-taasang Diyos! Ipinapahayag nila sa inyo kung paano kayo maliligtas!” Marami nang araw na ginagawa niya iyon kaya't nainis na si Pablo. Hinarap niya ang bata at sinabi sa espiritu, “Iniuutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesu-Cristo, lumabas ka sa babaing iyan!” At noon di'y lumabas ang espiritu. Nang makita ng mga amo ng bata na nawala na ang kanilang pinagkakakitaan, sinunggaban nila sina Pablo at Silas, kinaladkad sa liwasang-bayan at iniharap sa mga maykapangyarihan. Iniharap sila sa mga pinuno ng lunsod at pinaratangan ng ganito: “Nanggugulo po sa lunsod ang mga Judiong ito. Nagtuturo sila ng mga kaugaliang labag sa kautusan nating mga Romano. Hindi natin maaaring sundin ang mga itinuturo nila.” Sinunggaban sila ng mga tao, pinahubaran ng mga pinuno at ipinahagupit. Pagkatapos hampasin nang paulit-ulit, sila'y ipinabilanggo at pinabantayang mabuti. Ipinasok sila ng bantay sa kaloob-looban ng bilangguan at inilagay ang kanilang mga paa sa pagitan ng dalawang mabibigat na kahoy. Nang Maghahating-gabi na, sina Pablo at Silas ay nananalangin at umaawit ng mga himno, at nakikinig naman ang ibang mga bilanggo. Walang anu-ano'y lumindol nang malakas at nayanig pati ang mga pundasyon ng bilangguan. Biglang nabuksan ang mga pinto at nakalag ang mga tanikala ng lahat ng bilanggo. Nagising ang bantay ng bilangguan, at nang makita niyang bukás ang mga pinto, inakala niyang nakatakas ang mga bilanggo. Dahil dito'y binunot niya ang kanyang tabak at magpapakamatay na sana. Ngunit sumigaw si Pablo, “Huwag mong saktan ang iyong sarili! Narito kaming lahat!” Humingi ng ilaw ang bantay, patakbong pumasok at nanginginig na nagpatirapa sa harapan nina Pablo at Silas. Sila ay inilabas niya at sinabi, “Mga ginoo, ano po ang dapat kong gawin upang ako'y maligtas?” Sumagot naman sila, “Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan.” At ang salita ng Panginoon ay ipinahayag nila sa kanya at sa lahat ng nasa kanyang bahay. Nang gabi ring iyon, hinugasan ng bantay ang kanilang mga sugat at siya'y nagpabautismo, pati ang buo niyang sambahayan. Pagkatapos, sila ay isinama niya sa kanyang tahanan at ipinaghanda ng pagkain. Masayang-masaya ang bantay at ang kanyang buong sambahayan, sapagkat sila'y nakakilala sa Diyos. Kinaumagahan, inutusan ng mga pinuno ng lunsod ang mga kawal na palayain sina Pablo at Silas. Kaya't sinabi ng bantay ng bilangguan kay Pablo, “Iniutos po ng mga pinuno na palayain na kayo. Lumabas na kayo at umalis nang mapayapa.” Subalit sinabi ni Pablo sa mga kawal, “Ipinahagupit nila kami nang hayagan at ipinabilanggo nang hindi man lang nilitis gayong kami'y mga mamamayang Romano! At ngayo'y palihim nila kaming palalayain! Hindi maaari! Sila ang pumarito at magpalaya sa amin.” Ipinaalam ng mga kawal sa mga pinuno ng lunsod ang sinabi ni Pablo, at natakot ang mga iyon nang malamang sina Pablo at Silas pala ay mamamayang Romano. Kaya't sila'y pumunta sa bilangguan at humingi ng paumanhin sa dalawa. Inilabas nila sina Pablo at Silas at pinakiusapang lisanin ang lunsod. Pagkalabas ng bilangguan, sina Pablo at Silas ay nagtuloy sa bahay ni Lydia at dinatnan nila roon ang mga kapatid. Bago umalis ang dalawa, pinagbilinan nila ang mga kapatid na magpakatatag sa pananampalataya. Dumaan sina Pablo at Silas sa Amfipolis at Apolonia, hanggang sa makarating sa Tesalonica. Sa lunsod na ito'y may sinagoga ang mga Judio, at ayon sa kinaugalian ni Pablo, siya'y pumasok doon. Sa loob ng tatlong linggo, tuwing Araw ng Pamamahinga, siya ay nakikipagpaliwanagan sa kanila tungkol sa Kasulatan. Ipinaliwanag niya at pinatunayan na kinakailangang magtiis ang Cristo at muling mabuhay. Sinabi niya, “Ang Jesus na ito, na ipinapahayag ko sa inyo, ay ang Cristo!” Naniwala at nahikayat na sumama kina Pablo at Silas ang ilan sa kanila, gayundin ang maraming kababaihang kinikilala sa lunsod, at ang napakaraming debotong Griego. Ngunit nainggit ang mga Judio, kaya't tinipon nila ang mga palaboy sa lansangan at sila'y gumawa ng gulo sa lunsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason at pilit na hinanap sina Pablo at Silas upang iharap sa bayan. Nang hindi nila matagpuan ang dalawa, kinaladkad nila si Jason at ilan sa mga kapatid at iniharap sa mga pinuno ng lunsod. Ganito ang kanilang sigaw: “Ang ating lunsod ay napasok ng mga taong nanggugulo kahit saan makarating, at sila'y pinatuloy ni Jason. Nilabag nilang lahat ang mga batas ng Emperador. Sinasabi nilang may iba pang hari na ang pangala'y Jesus.” Kaya't nagulo ang taong-bayan at ang mga pinuno ng lunsod dahil sa sigawang ito. Si Jason at ang kanyang mga kasama'y pinagpyansa ng mga pinuno bago pinalaya. Nang gabi ring iyon ay pinapunta ng mga kapatid sina Pablo at Silas sa Berea. Pagdating doon, sila'y pumasok sa sinagoga ng mga Judio. Mas bukás ang isipan ng mga Judiong tagaroon kaysa sa mga Judiong taga-Tesalonica. Wiling-wili silang nakikinig sa mga paliwanag ni Pablo, at sinasaliksik nila araw-araw ang mga Kasulatan upang tingnan kung totoo nga ang sinasabi niya. Sumampalataya ang maraming Judio roon, gayundin ang mga Griego, pawang mga lalaki at mga babaing kilala sa lipunan. Subalit nang mabalitaan ng mga Judio sa Tesalonica na ipinapangaral din ni Pablo sa Berea ang salita ng Diyos, sila'y nagpunta roon at sinulsulan ang taong-bayan upang gumawa ng gulo. Kaya't si Pablo'y dali-daling pinaalis ng mga kapatid at pinapunta sa tabing-dagat. Ngunit naiwan sina Silas at Timoteo. Ang mga naghatid kay Pablo ay sumama sa kanya hanggang sa Atenas. Pagkatapos, nagbalik sila sa Berea taglay ang bilin ni Pablo kina Silas at Timoteo na sumunod sa kanya sa lalong madaling panahon. Habang sina Silas at Timoteo'y hinihintay ni Pablo sa Atenas, napansin niyang puno ng mga diyus-diyosan ang lunsod. Labis niyang ikinalungkot iyon kaya't nakipagpaliwanagan siya sa loob ng mga sinagoga roon, sa mga Judio at sa mga debotong tao, at sa sinumang makatagpo niya sa liwasang-bayan araw-araw. Subalit nakipagtalo sa kanya ang ilang pilosopong Epicureo at Estoico. “Ano ba ang sinasabi sa atin ng nagmamarunong na iyan?” sabi ng ilan. Sabi naman ng iba, “Nangangaral yata tungkol sa ibang mga diyos.” Sinabi nila iyon dahil nangangaral si Pablo tungkol kay Jesus at sa muling pagkabuhay. Siya'y isinama nila at iniharap sa kapulungan ng Areopago at tinanong, “Maaari bang malaman namin kung ano itong bagong aral na itinuturo mo? Bago sa aming pandinig ang sinasabi mo, kaya't nais naming malaman ang kahulugan nito.” Sapagkat walang ginagawa ang mga taga-Atenas at mga dayuhang naninirahan doon kundi ang mag-usap-usap at makinig tungkol sa mga bagong turo. Tumayo si Pablo sa harap ng kapulungan ng Areopago at nagsalita, “Mga taga-Atenas, napapansin kong kayo'y lubos na napaka-relihiyoso sa maraming bagay. Sapagkat sa paglalakad ko sa lunsod at pagmamasid sa inyong mga sinasamba, nakakita ako ng isang dambana na may nakasulat, ‘Sa Diyos na hindi nakikilala.’ Ang Diyos na inyong sinasamba kahit hindi ninyo nakikilala ay siya kong ipinapahayag sa inyo. Siya ang gumawa ng sanlibutan at lahat ng naririto, siya ang Panginoon ng langit at ng lupa. Hindi siya nananahan sa mga templong ginawa ng tao. Hindi rin siya nangangailangan ng anumang tulong o paglilingkod ng tao; sa halip, siya ang nagbibigay ng buhay, hininga at lahat ng bagay sa sangkatauhan. Mula sa isang tao'y nilikha niya ang lahat ng lahi sa buong mundo. Itinakda niya sa simula't simula pa ang kani-kanilang panahon at hangganan. Ginawa niya iyon upang hanapin nila ang Diyos; baka sakaling sa kanilang paghahanap, siya ay matagpuan nila. Ang totoo, hindi naman siya talagang malayo sa bawat isa sa atin; sapagkat, ‘Hawak niya ang ating buhay, pagkilos at pagkatao.’ Tulad ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata, ‘Tayo nga'y mga anak niya.’ Sapagkat tayo'y mga anak ng Diyos, huwag nating akalaing siya ay tulad lamang ng mga larawang ginto, pilak, o bato na pawang likha ng isip at kamay ng tao. Sa mga nagdaang panahon ay hindi pinansin ng Diyos ang di pagkakilala sa kanya ng mga tao, ngunit ngayon ay iniuutos niya sa lahat ng tao sa bawat lugar na magsisi't talikuran ang kanilang masamang pamumuhay. Sapagkat itinakda na niya ang araw ng paghuhukom sa sanlibutan, at ito'y buong katarungan niyang gagawin sa pamamagitan ng isang tao na kanyang hinirang. Pinatunayan niya ito sa lahat nang ang taong iyon ay kanyang muling binuhay.” Nang marinig nila ang sinabi ni Pablo tungkol sa muling pagkabuhay, tinuya siya ng ilan. Sinabi naman ng iba, “Nais naming mapakinggan kang muli tungkol dito.” At iniwan ni Pablo ang mga tao. May ilang naniwala sa kanya at nanalig sa Diyos. Kabilang dito sina Dionisio na kaanib ng kapulungang tinatawag na Areopago, isang babaing nagngangalang Damaris, at marami pang iba. Pagkatapos, umalis si Pablo sa Atenas at nagpunta sa Corinto. Natagpuan niya roon si Aquila, isang Judiong taga-Ponto. Kararating pa lamang nito mula sa Italia kasama ang kanyang asawa na si Priscila. Umalis sila roon sapagkat pinalayas ni Claudio ang lahat ng Judio sa Roma. Nakipagkita sa kanila si Pablo, at dahil sila'y manggagawa ng tolda tulad niya, siya ay nakitira sa kanila, at siya'y nagtrabahong kasama nila. Tuwing Araw ng Pamamahinga, si Pablo ay nakikipagpaliwanagan sa mga Judio o Griego sa sinagoga at sinisikap niyang mahikayat sa pananampalataya ang lahat. Nang dumating sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, iniukol na ni Pablo ang buo niyang panahon sa pangangaral at pagpapatunay sa mga Judio na si Jesus ang Cristo. Nang siya'y salungatin at laitin ng mga ito, ipinagpag niya ang alikabok sa kanyang damit bilang babala sa kanila. Sinabi niya, “Kasalanan na ninyo kung kayo'y mapahamak! Hindi ko na sagutin iyon! Mula ngayo'y sa mga Hentil na ako mangangaral.” Kaya't umalis siya roon at tumira sa bahay ni Ticio Justo, isang Hentil na may takot sa Diyos. Katabi ng sinagoga ang bahay nito. Si Crispo, na tagapamahala ng sinagoga, at ang kanyang sambahayan ay nananalig rin sa Panginoon. Marami pang mga taga-Corinto na nakinig kay Pablo ang sumampalataya at nagpabautismo. Isang gabi, sinabi ng Panginoon kay Pablo sa pamamagitan ng isang pangitain, “Huwag kang matakot! Ipagpatuloy mo ang iyong pangangaral! Anuman ang mangyari'y huwag kang titigil sapagkat ako'y nasa iyo. Hindi ka maaano sapagkat marami akong tagasunod sa lunsod na ito.” Tumigil nga siya roon at ipinangaral niya ang salita ng Diyos sa loob ng isang taon at kalahati. Nang si Galio ay naging gobernador ng Acaya, nagsama-sama ang mga Judio sa pagdakip kay Pablo at pagdadala sa kanya sa hukuman. Pagdating nila doon ay sinabi nila, “Hinihikayat ng taong ito ang mga mamamayan na sumamba sa Diyos sa isang paraang labag sa batas!” Magsasalita na sana si Pablo nang sabihin ni Galio, “Kung ang usaping ito'y tungkol sa isang mabigat na pagkakasala o paglabag sa batas, makatuwirang pakinggan ko kayo. Subalit ang sakdal ninyo'y tungkol lamang sa mga salita at mga pangalan, at sa kautusan ninyong mga Judio, kaya kayo na ang bahalang lumutas niyan. Ayaw kong makialam sa bagay na iyan.” At sila'y pinalabas niya sa hukuman. Kaya't si Sostenes na tagapamahala ng sinagoga ang sinunggaban nila at binugbog sa labas ng hukuman. Hindi naman iyon pinansin ni Galio. Pagkatapos nito, matagal pang nanatili si Pablo sa Corinto at saka nagpaalam sa mga kapatid. Pagdating sa Cencrea, nagpaahit siya ng buhok sa ulo sapagkat natupad na niya ang kanyang panata. Sumakay siya sa barkong papuntang Siria, kasama ang mag-asawang Priscila at Aquila. Pagdating sa Efeso, iniwan ni Pablo ang dalawa, at siya'y pumasok sa sinagoga ng mga Judio at nakipagpaliwanagan sa mga naroon. Hiniling nilang tumigil siya roon nang mahaba-habang panahon, ngunit siya'y tumanggi. Sa halip, sinabi niya nang siya'y magpaalam sa kanila, “Babalik ako rito, kung loloobin ng Diyos.” Umalis siya sa Efeso na nakasakay sa isang barko. Pagkababa sa Cesarea, pumunta siya sa Jerusalem at bumati sa iglesya. Pagkatapos, siya'y nagtuloy sa Antioquia. Tumigil siya roon nang kaunting panahon, at pagkatapos ay muling naglakbay. Pinuntahan niya ang mga bayan sa lupain ng Galacia at Frigia, at pinatatag sa pananampalataya ang mga alagad doon. Dumating sa Efeso ang isang Judiong nagngangalang Apolos. Siya'y taga-Alejandria, mahusay magtalumpati at maraming alam sa Banal na Kasulatan. Naturuan siya tungkol sa Daan ng Panginoon, at masigasig na nangangaral at nagtuturo nang wasto tungkol kay Jesus. Ngunit ang bautismo ni Juan lamang ang kanyang nalalaman. Siya'y buong tapang na nagsasalita sa sinagoga ng mga Judio. Nang marinig ng mag-asawang Aquila at Priscila ang pagpapaliwanag ni Apolos, siya'y isinama nila sa kanilang bahay at doo'y pinaliwanagan nang mabuti tungkol sa mga bagay na hindi pa niya nalalaman tungkol sa Daan ng Diyos. At nang ipasya niyang pumunta sa Acaya, sumulat sila sa mga kapatid doon upang malugod nilang tanggapin si Apolos. Pagdating doon, malaki ang naitulong niya sa mga mananampalataya dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, sapagkat walang magawâ sa kanya ang mga Judio sa kanilang pagtatalo sa harap ng madla. Sa pamamagitan ng mga Kasulatan ay pinatunayan niyang si Jesus ang Cristo. Habang nasa Corinto si Apolos, tinahak naman ni Pablo ang mga dakong bulubundukin ng lalawigan hanggang sa siya'y makarating sa Efeso. Natagpuan niya roon ang ilang alagad at sila'y tinanong niya, “Tinanggap ba ninyo ang Espiritu Santo nang kayo'y sumampalataya?” “Hindi po, ni hindi namin narinig na may Espiritu Santo pala,” tugon nila. “Kung gayon, sa ano kayo nabautismuhan?” tanong niya. “Sa bautismo ni Juan,” tugon naman nila. Kaya't sinabi ni Pablo, “Binautismuhan ni Juan ang mga tumatalikod sa kasalanan. Ipinangaral niya ang pagsisisi sa mga Israelita upang sila'y sumampalataya kay Jesus, ang dumarating na kasunod niya.” Nang marinig nila iyon, nagpabautismo sila sa pangalan ng Panginoong Jesus. Nang ipatong ni Pablo ang kanyang kamay sa kanila, bumabâ ang Espiritu Santo at sila'y nagsalita ng iba't ibang wika at nagpahayag ng mensaheng mula sa Diyos. Humigit-kumulang sa labindalawang lalaki ang nagpabautismo. Sa loob ng tatlong buwan, si Pablo'y pumapasok sa sinagoga at buong tapang na nagpapaliwanag sa mga naroon at hinihikayat niya ang mga tao na magpasakop sa paghahari ng Diyos. Ngunit may ilan sa kanila na nagmamatigas at ayaw sumampalataya, at nagsasalita pa sila ng masama laban sa Daan sa harap ng kapulungan. Kaya't iniwan ni Pablo ang sinagoga kasama ang mga mananampalataya at nagpatuloy ng kanyang pangangaral araw-araw sa paaralan ni Tirano. Tumagal siya roon nang dalawang taon, kaya't ang lahat ng naninirahan sa Asia, maging Judio o Griego ay nakarinig ng salita ng Panginoon. Gumagawa roon ang Diyos ng mga pambihirang himala sa pamamagitan ni Pablo. Kahit panyo o damit na kanyang ginamit ay dinadala sa mga maysakit. Gumagaling naman ang mga ito at lumalayas ang masasamang espiritung nagpapahirap sa kanila. May ilang Judio roon na naglilibot at nagpapalayas ng masasamang espiritu. Pinapangahasan nilang gamitin ang pangalan ng Panginoong Jesus sa pagpapalayas ng masasamang espiritu sa mga sinasapian ng mga ito. Sinasabi nila, “Sa pangalan ni Jesus na ipinapangaral ni Pablo, iniuutos ko sa inyo, lumabas kayo.” Kabilang sa gumagawa nito ay ang pitong anak na lalaki ni Esceva, isang pinakapunong pari ng mga Judio. Subalit sinagot sila ng masamang espiritu, “Kilala ko si Jesus, kilala ko rin si Pablo, ngunit sino ba kayo?” At sila'y nilundag ng lalaking sinasapian ng masamang espiritu, tinalo silang lahat at malubhang sinaktan, anupa't hubad at sugatan silang tumakas sa bahay na iyon. Nabalitaan iyon ng lahat ng naninirahan sa Efeso, maging Judio o Griego, kaya't natakot silang lahat at pinuri ang pangalan ng Panginoong Jesus. Kaya't sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Panginoon, patuloy na lumaganap at nagtagumpay ang kanyang salita. Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, sa patnubay ng Espiritu, nagpasya si Pablo na maglakbay sa Macedonia at Acaya papuntang Jerusalem. “Kailangan ko ring pumunta sa Roma pagkagaling sa Jerusalem,” sabi niya. Pinauna niya sa Macedonia sina Timoteo at Erasto, dalawa sa kanyang mga kamanggagawa, at siya'y tumigil sa Asia nang kaunti pang panahon. Nang panahong iyon ay nagkaroon ng isang malaking kaguluhan dahil sa Daan ng Panginoon. May isang platerong nagngangalang Demetrio, na gumagawa ng maliliit na templong pilak ng kanilang diyosang si Artemis, at ito'y pinagkakakitaan nang malaki. Tinipon niya ang kanyang mga manggagawa at ang iba pang mga taong ganito rin ang hanapbuhay. Sinabi niya, “Mga kasama, alam ninyong sa gawaing ito nagmumula ang ating masaganang pamumuhay. Nakikita ninyo't naririnig kung ano ang ginagawa ng Pablong iyan. Sinasabi niyang ang mga diyos na ginawa ng kamay ng tao ay hindi raw diyos, at marami siyang napapaniwala, hindi lamang dito sa Efeso kundi sa buong Asia. Nanganganib na magkaroon ng masamang pangalan ang ating hanapbuhay. Ang templo ng dakilang diyosang si Artemis ay mawawalan ng kabuluhan. Pati na ang dakilang diyosa na sinasamba ng Asia at ng buong daigdig ay hindi na igagalang.” Pagkarinig nito, nagsiklab ang kanilang galit at sila'y nagsigawan, “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!” Kaya't nagkagulo ang mga tao sa buong lunsod; kinaladkad nila sina Gaius at Aristarco, mga taga-Macedoniang kasama ni Pablo sa paglalakbay, at sama-sama silang sumugod sa tanghalan. Nais sana ni Pablong humarap sa madla, ngunit hindi siya pinayagan ng mga kapatid. Nagpasugo rin sa kanya ang ilang kaibigang mga pinuno sa lalawigang Asia. Mahigpit siyang pinakiusapang huwag pumunta sa tanghalan. Magulung-magulo ang kapulungan; may sumisigaw ng isang bagay, at ang iba'y iba naman. Hindi alam ng karamihan kung bakit sila nagkakatipun-tipon doon. Inakala ng ilang naroon na si Alejandro ang dahilan sapagkat siya ang ibinungad ng mga Judio sa madla. Sumenyas si Alejandro sa mga tao na tumahimik upang siya'y makapagpaliwanag. Subalit nang makilala nilang siya'y isang Judio, sabay-sabay silang sumigaw sa loob ng dalawang oras, “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!” Sa wakas dumating ang punong-bayan at pinatahimik ang mga tao. At kanyang sinabi, “Mga taga-Efeso! Sino ba ang hindi nakakaalam na ang lunsod ng Efeso ang siyang tagapag-ingat ng templo ng dakilang Artemis? Sinong hindi nakakaalam na ang banal na batong ito ay mula sa langit? Hindi maaaring pabulaanan ninuman ang mga bagay na ito. Kaya't huminahon kayo! Huwag kayong magpabigla-bigla. Hindi naman nagnanakaw sa templo ang mga taong dinala ninyo rito. Hindi rin nila nilalait ang ating diyosa. Kung si Demetrio at ang mga platerong kasama niya ay may reklamo laban sa kaninuman, bukás ang mga hukuman, at may mga hukom tayo. Doon sila magsakdal. Ngunit kung may iba pa kayong habol, maaaring pag-usapan iyan sa isang pangkalahatang pagpupulong ng mga mamamayan, ayon sa batas. Dahil sa nangyari ngayong araw na ito, maaaring maparatangan tayo na nanggugulo sa bayan. Walang sapat na dahilan o katuwiran ang kaguluhang ito.” Pagkatapos, pinauwi na ng punong-bayan ang mga tao. Nang tumigil na ang gulo, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad at pinalakas ang kanilang loob. Pagkatapos, nagpaalam siya at nagpunta sa Macedonia. Dinalaw niya ang mga bayan-bayan doon at pinalakas ang loob ng mga alagad sa pamamagitan ng kanyang pangangaral. Nagpatuloy siya hanggang sa dumating siya sa Grecia at nanatili doon sa loob ng tatlong buwan. Aalis na sana siya papuntang Siria ngunit nabalitaan niyang may tangka ang mga Judio laban sa kanya, kaya't ipinasya niyang sa Macedonia na uli magdaan sa kanyang pagbabalik. Sumama sa kanya ang taga-Bereang si Sopater na anak ni Pirro, gayundin sina Aristarco at Segundo na mga taga-Tesalonica, si Gaius na taga-Derbe, si Timoteo, at sina Tiquico at Trofimo na mga taga-Asia. Nauna sila at naghintay sa amin doon sa Troas. Kami naman ay sumakay sa barko mula sa Filipos pagkaraan ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, at dumating kami sa Troas nang ikalimang araw. Nanatili kami roon nang pitong araw. Nang Sabado ng gabi, kami'y nagkakatipon upang magpira-piraso ng tinapay. Si Pablo'y nangaral sa kanila hanggang hatinggabi, sapagkat aalis na siya kinabukasan. Maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagtitipunan namin. Nakaupo sa bintana ang isang binata na ang pangala'y Eutico. Dahil sa kahabaan ng pagsasalita ni Pablo, si Eutico ay inantok at nakatulog nang mahimbing. At nahulog siya mula sa ikatlong palapag na kanyang kinaroroonan, kaya't patay na siya nang buhatin. Nanaog din si Pablo at niyakap siya, “Huwag kayong magkagulo, buháy siya!” Muling pumanhik si Pablo, at nagpira-piraso ng tinapay. Pagkatapos, nagpatuloy siya sa pangangaral sa kanila hanggang mag-uumaga, saka umalis. Ang binata naman ay buháy na inihatid sa kanyang bahay, at ito'y nagdulot sa kanila ng malaking kaaliwan. Sumakay kami sa barkong papuntang Ason. Doon kami magkikita ni Pablo ayon sa bilin niya sa amin, sapagkat sasakyang panlupa ang kanyang gagamitin papunta roon. Nang magkita kami sa Ason, sumakay siya sa sinasakyan namin at sama-sama kaming pumunta sa Mitilene. Mula roon, patuloy kaming naglakbay at kinabukasa'y dumating kami sa tapat ng Quio. Nang sumunod na araw, dumaan kami sa Samos, at makaraan ang isa pang araw ay dumating kami sa Mileto. Ipinasya ni Pablong lampasan ang Efeso upang huwag siyang maantala sa Asia, sapagkat ibig niyang nasa Jerusalem na siya sa araw ng Pentecostes. Mula sa Mileto, ipinatawag ni Pablo ang mga pinuno ng iglesya sa Efeso. Pagdating nila ay kanyang sinabi, “Nalalaman ninyo kung paano ko ginugol ang buong panahong ipinamalagi ko sa inyong piling, mula noong unang araw na ako'y tumuntong sa Asia. Naglingkod ako sa Panginoon ng buong kapakumbabaan at lumuluhang nagtiis ng maraming pagsubok dahil sa mga pagtatangka ng mga Judio. Sa aking pagtuturo at pangangaral sa inyo, maging sa harapan ng madla o sa bahay-bahay man, hindi ako nangiming magsabi sa inyo ng anumang ikabubuti ninyo. Maging Judio o Griego man ay pinapangaralan kong tumalikod sa kasalanan, manumbalik sa Diyos at manalig sa ating Panginoong Jesus. Ngayon, bilang pagsunod sa Espiritu Santo, ako'y pupunta sa Jerusalem at hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin doon. Ang tanging nalalaman ko ay ito: sa bawat bayang dinaanan ko, ipinapahayag sa akin ng Espiritu Santo na ang naghihintay sa akin ay pagkabilanggo at kapighatian. Subalit walang halaga sa akin ang aking buhay magawâ ko lamang ang aking tungkulin at matapos ang gawaing ibinigay sa akin ng Panginoong Jesus, ang pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos para sa tao. “Nakisalamuha ako sa inyo habang nangangaral tungkol sa Kaharian. Ngayon, alam kong hindi na ninyo ako makikitang muli. Kaya't sa araw na ito'y sinasabi ko, hindi ako mananagot kung mapahamak ang sinuman sa inyo, sapagkat hindi ako nag-atubiling ipahayag sa inyo ang layunin ng Diyos. Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, sapagkat sila'y inilagay ng Espiritu Santo sa inyong pag-iingat. Pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos na kanyang tinubos sa pamamagitan ng dugo ng kanyang Anak. Alam kong pagkaalis ko'y magsisipasok ang mababangis na asong-gubat at walang patawad nilang pupuksain ang kawan. Mula na rin sa inyo'y may lilitaw na mga taong magsasalita ng kasinungalingan upang mahikayat na sumunod sa kanilang mga alagad. Kaya't mag-ingat kayo. Alalahanin ninyong tinuruan ko kayo araw at gabi sa loob ng tatlong taon, at maraming luha ang pinuhunan ko. “At ngayo'y itinatagubilin ko kayo sa Diyos at sa kanyang salitang nagpapahayag ng kanyang kagandahang-loob. Ito ang makakapagpatibay sa inyo at makakapagbigay ng mga pagpapalang inilaan sa lahat ng kanyang ginawang banal. Hindi ko hinangad ang ginto, pilak o pananamit ninuman. Alam ninyong nagbanat ako ng buto upang kumita ng ikabubuhay naming magkakasama. Sa lahat ng pagkakataon, ipinakita ko sa inyo na sa pamamagitan ng ganitong pagtatrabaho, dapat ninyong tulungan ang mahihina. Alalahanin natin ang mga salita ng Panginoong Jesus, ‘Higit na mapalad ang nagbibigay kaysa tumatanggap.’” Pagkasabi nito, lumuhod si Pablo at nanalanging kasama nila. Silang lahat ay umiiyak na yumakap at humalik kay Pablo. Labis nilang ikinalungkot ang kanyang sinabing siya'y hindi na nila muling makikita. At siya'y inihatid nila sa sakayan ng barko. Pagkatapos naming magpaalam sa kanila, kami'y naglakbay papuntang Cos. Kinabukasan, dumating kami sa Rodas at mula roo'y nagpatuloy kami sa Patara. Dinatnan namin doon ang isang barkong papuntang Fenicia, kaya't lumipat kami sa nasabing sasakyan. Dumaan kami sa tapat ng Cyprus na natatanaw sa gawing kaliwa. Nagpatuloy kami papuntang Siria, ngunit huminto muna sa Tiro ang barko sapagkat magbababâ roon ng kargamento. Hinanap namin ang mga alagad na naroon at nakituloy kami sa kanila sa loob ng pitong araw. Sa patnubay ng Espiritu, sinabi nila kay Pablo na huwag pumunta sa Jerusalem. Ngunit nang dumating ang oras ng aming pag-alis, nagpatuloy kami sa paglalakbay. Kami ay inihatid nilang lahat, kasama ang kanilang mga asawa't mga anak, hanggang sa labas ng lunsod. Pagdating sa tabing-dagat, lumuhod kaming lahat at nanalangin. Pagkatapos naming magpaalam, sumakay na kami sa barko, at sila'y nagsiuwi na. Mula sa Tiro, nagpatuloy kami ng paglalakbay at nakarating kami sa Tolemaida. Nakipagkita kami sa mga kapatid at tumigil doon nang isang araw. Kinabukasan, tumuloy kami sa Cesarea sa bahay ng ebanghelistang si Felipe, isa sa pitong lalaking hinirang noong una sa Jerusalem. Siya'y may apat na anak na dalaga na pawang mga propeta. Makalipas ang ilang araw, dumating mula sa Judea ang isang propetang ang pangala'y Agabo. Pinuntahan niya kami, kinuha ang pamigkis ni Pablo at ginapos ang sariling paa at kamay. Sabi niya, “Ito ang sabi ng Espiritu Santo, ‘Ganito gagapusin ng mga Judio sa Jerusalem ang may-ari ng pamigkis na ito, at siya'y ibibigay sa kamay ng mga Hentil.’” Pagkarinig nito, kami naman at ang mga tagaroon ay nakiusap kay Pablo na huwag na siyang pumunta sa Jerusalem. Ngunit sumagot si Pablo, “Bakit kayo umiiyak? Pinapahina lamang ninyo ang loob ko! Handa ako, hindi lamang pagapos, kundi kahit mamatay doon sa Jerusalem kung kailangan, alang-alang sa pangalan ng Panginoong Jesus.” Tumigil na kami nang hindi namin siya mapigilan. Nasabi na lamang namin, “Masunod ang kalooban ng Panginoon.” Makalipas ang ilang araw, gumayak kami at umalis papuntang Jerusalem. Sumama sa amin ang ilan sa mga alagad na taga-Cesarea at dinala nila kami sa bahay ni Mnason na taga-Cyprus at doon kami nakituloy. Si Mnason ay matagal nang mananampalataya. Pagdating sa Jerusalem, malugod naman kaming tinanggap ng mga kapatid. Kinabukasan, kami nina Pablo'y nakipagkita kay Santiago; naroon din ang mga pinuno ng iglesya. Binati ni Pablo ang mga naroon at isa-isa niyang isinalaysay ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan ng kanyang paglilingkod. Nang marinig nila ito, sila'y nagpuri sa Diyos at kanilang sinabi kay Pablo, “Alam mo, kapatid, may ilang libo na ang mga Judiong nananalig kay Jesus, at silang lahat ay masigasig sa pagtupad ng Kautusan. May nakapagbalita sa kanila na itinuturo mo raw sa lahat ng Judiong naninirahan sa mga bansang Hentil na tumalikod sa katuruan ni Moises. At sinasabi mo raw na huwag na nilang tuliin ang kanilang mga anak, ni sundin ang kaugalian ng mga Judio. Ano ngayon ang nararapat nating gawin? Tiyak na mababalitaan nilang dumating ka. Ganito ang gawin mo, mayroon ditong apat na lalaking may panata; isama mo sila at tuparin ninyo ang paglilinis ayon sa Kautusan. Ikaw na ang bahala sa magagastos, at nang sa gayon ay mapaahitan na nila ang kanilang ulo. Sa ganitong paraa'y malalaman ng lahat na hindi totoo ang balita tungkol sa iyo, kundi sumusunod ka pa rin sa Kautusan ni Moises. Tungkol naman sa mga mananampalatayang Hentil, isinulat na namin sa kanila ang aming pasya. Huwag silang kakain ng anumang inihandog sa diyus-diyosan, huwag kakain ng dugo at ng hayop na binigti, at huwag makikiapid.” Kinabukasan, isinama nga ni Pablo ang mga lalaki at isinagawa nila ang seremonya ng paglilinis. Pagkatapos, siya'y pumasok sa Templo at ipinagbigay-alam kung kailan matatapos ang takdang panahon ng paglilinis upang maialay ang handog para sa bawat isa sa kanila. Nang matatapos na ang takdang pitong araw, si Pablo'y nakita sa Templo ng ilang Judiong taga-Asia. Sinunggaban nila si Pablo at sumigaw. “Mga kababayan, tulungan ninyo kami! Ang taong ito ang nagtuturo sa lahat ng tao saan man siya makarating ng mga bagay laban sa bansang Israel, laban sa Kautusan ni Moises, at laban sa Templo. Gayundin naman, nagsama pa siya ng mga Griego sa loob ng Templo; nilapastangan niya ang banal na lugar na ito!” Ganoon ang sinabi nila sapagkat nakita nilang kasama ni Pablo sa lunsod si Trofimo na taga-Efeso. Inakala nilang isinama siya ni Pablo sa loob ng Templo. Nagulo ang buong lunsod, at dumagsa ang mga taong-bayan. Sinunggaban nila si Pablo at kinaladkad palabas sa Templo, at biglang isinara ang pintuan. Balak nilang patayin si Pablo, ngunit nabalitaan ng pinuno ng mga sundalo na nagkakagulo sa buong Jerusalem. Kaya't nagsama agad ito ng mga opisyal at mga kawal, at dali-daling nagtungo sa kinaroroonan ng mga tao. Pagkakita sa kanila, itinigil ng mga tao ang pagbugbog kay Pablo. Lumapit ang pinuno, dinakip si Pablo at ipinagapos ng dalawang tanikala. “Sino ang taong ito? Ano ang kanyang ginawa?” tanong niya. Iba-iba ang isinisigaw ng mga tao. Dahil sa sobrang gulo ng mga tao, hindi maliwanagan ng pinuno ang nangyari, kaya't ipinadala niya si Pablo sa himpilan. Pagdating nila sa hagdanan, si Pablo'y binuhat na ng mga kawal sapagkat naging marahas ang mga tao na sumusunod sa kanila at sumisigaw, “Patayin siya!” Nang ipapasok na si Pablo sa himpilan, nakiusap siya sa pinuno, “Maaari ko po ba kayong makausap?” “Marunong ka bang magsalita ng wikang Griego?” tugon ng pinuno. “Kung gayon, hindi ikaw ang Egipciong kailan lamang ay nanguna sa paghihimagsik at namundok na kasama ng apat na libong lalaki.” Sumagot si Pablo, “Ako po'y isang Judio, tubo sa Tarso ng Cilicia at mamamayan ng kilalang lunsod na iyon. Ipinapakiusap ko sa inyo na ako'y payagan ninyong makapagsalita sa mga tao.” Pinayagan naman siya ng pinuno, kaya't tumayo si Pablo sa baytang at sumenyas sa mga tao. At nang sila'y tumahimik, nagsalita si Pablo sa wikang Hebreo, “Mga magulang at mga kapatid, pakinggan ninyo ang sasabihin ko ngayon bilang pagtatanggol sa aking sarili.” Nang siya'y marinig nilang nagsasalita sa wikang Hebreo, lalo silang tumahimik. Kaya't nagpatuloy si Pablo, “Ako'y isang Judiong ipinanganak sa Tarso, sa lalawigan ng Cilicia, ngunit lumaki rito sa Jerusalem. Ang aking guro ay si Gamaliel at buong higpit niya akong tinuruan sa Kautusan ng ating mga ninuno. Ako'y masugid na naglilingkod sa Diyos tulad ninyong lahat na naririto ngayon. Inusig ko at ipinapatay ang mga sumusunod sa Daang ito. Ipinagapos ko sila't ipinabilanggo, maging lalaki o maging babae. Makakapagpatotoo tungkol dito ang pinakapunong pari at ang buong kapulungan ng mga pinuno ng bayan. Binigyan pa nga nila ako ng mga sulat para sa mga Judio sa Damasco, kaya't pumunta ako roon upang dakpin ang mga kaanib ng Daang ito at dalhin sila dito sa Jerusalem upang parusahan.” “Magtatanghaling-tapat noon, at malapit na ako sa Damasco nang may biglang kumislap sa aking paligid na isang matinding liwanag mula sa langit. Napasubasob ako sa lupa at narinig ko ang isang tinig na nagsalita sa akin, ‘Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig?’ Ako'y sumagot, ‘Sino po kayo, Panginoon?’ ‘Ako ang iyong pinag-uusig na si Jesus na taga-Nazaret,’ tugon ng tinig. Nakita ng mga kasama ko ang liwanag, ngunit hindi nila narinig ang tinig na nagsasalita sa akin. ‘Ano po ang gagawin ko, Panginoon?’ tanong ko. At tumugon siyang muli, ‘Tumayo ka at pumunta sa Damasco. Sasabihin sa iyo roon ang lahat ng itinakda na dapat mong gawin.’ Nabulag ako dahil sa matinding liwanag na iyon, kaya't ako'y inakay na lamang ng mga kasama ko papunta sa Damasco. “Doon ay nakatira si Ananias. Siya ay tapat na sumusunod sa Kautusan at iginagalang ng mga Judiong naninirahan doon. Pinuntahan niya ako, tumayo sa tabi ko at sinabi sa akin, ‘Kapatid na Saulo, makakakita ka nang muli.’ Noon di'y nakakita akong muli at tumingin ako sa kanya, at sinabi niya sa akin, ‘Pinili ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang malaman mo ang kanyang kalooban, makita ang kanyang Banal na Lingkod at marinig ang kanyang tinig. Sapagkat ikaw ay magiging saksi niya upang patotohanan sa lahat ng tao ang iyong nakita at narinig. At ngayon, ano pang hinihintay mo? Tumayo ka na, magpabautismo at manalangin ka sa kanyang pangalan upang mapatawad ka sa iyong mga kasalanan.’” “Nagbalik ako rito sa Jerusalem, at habang ako'y nananalangin sa Templo, nagkaroon ako ng isang pangitain. Nakita ko ang Panginoon na nagsasalita sa akin, ‘Madali ka! Lisanin mo agad ang Jerusalem sapagkat hindi tatanggapin ng mga tao rito ang iyong patotoo tungkol sa akin.’ Sabi ko naman, ‘Panginoon, alam na alam nilang isa-isa kong pinuntahan ang mga sinagoga upang ipabilanggo at ipahagupit ang mga nananalig sa iyo. At nang patayin si Esteban na iyong saksi, ako ay naroon at sumang-ayon pa sa ginawa nila, ako pa nga ang nagbantay sa mga damit ng mga pumatay sa kanya.’ Ngunit sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Humayo ka, sapagkat isusugo kita sa malayo, sa mga Hentil.’” Hanggang sa mga sandaling iyon, ang mga tao'y nakikinig kay Pablo. Ngunit pagkarinig sa huli niyang sinabi, sila'y nagsigawan, “Patayin ang taong iyan! Hindi siya dapat mabuhay!” Patuloy sila sa pagsigaw, sa pagsaboy ng alikabok sa hangin at sa paghahagis ng kanilang mga balabal. Kaya't iniutos ng pinuno ng mga sundalo na dalhin si Pablo sa himpilan at hagupitin upang malaman kung bakit ganoon na lamang ang sigawan ng mga Judio laban sa kanya. Ngunit nang siya'y magapos na nila ng panaling balat, sinabi ni Pablo sa kapitang naroon, “Ipinapahintulot ba ng batas na hagupitin ang isang mamamayang Romano kahit wala pang hatol ang hukuman?” Nang marinig ito ng kapitan, pumunta siya sa pinuno at sinabi, “Paano ito? Mamamayang Romano pala ang taong iyon!” Kaya't lumapit kay Pablo ang pinuno ng mga sundalo at siya'y tinanong, “Ikaw nga ba'y Romano?” “Oo,” sagot niya. Sinabi ng pinuno, “Malaki ang nagugol ko para maging mamamayang Romano.” “Ngunit ako'y isinilang na mamamayang Romano,” sabi naman ni Pablo. Kaagad lumayo ang mga magsisiyasat sa kanya. Natakot din ang pinuno ng mga sundalo sapagkat ipinagapos niya si Pablo, gayong ito pala ay isang Romano. Nais matiyak ng pinuno kung ano nga ang paratang ng mga Judio laban kay Pablo. Kaya't kinabukasan, ipinatawag niya sa isang pulong ang mga punong pari at ang buong Sanedrin. Pinakalagan naman niya si Pablo at iniharap sa kanila. Tumingin si Pablo sa kanila, at sinabi, “Mga kapatid, namumuhay akong malinis ang budhi sa harap ng Diyos hanggang sa araw na ito.” Pagkarinig nito'y iniutos ng pinakapunong pari na si Ananias sa mga taong nakatayo sa tabi ni Pablo na sampalin ito sa bibig. Sinabi ni Pablo, “Hahampasin ka ng Diyos, ikaw na mapagkunwari! Nakaluklok ka riyan upang hatulan ako ayon sa Kautusan, ngunit labag sa Kautusan ang ipasampal mo ako.” Sinabi ng mga nakatayo roon, “Nilalapastangan mo ang pinakapunong pari ng Diyos!” Sumagot si Pablo, “Mga kapatid, hindi ko alam na siya pala ang pinakapunong pari. Sapagkat nasusulat nga, ‘Huwag kang magsalita ng masama laban sa pinuno ng iyong bayan.’” Nalaman ni Pablo na doo'y may mga Saduseo at Pariseo, kaya't sinabi niya nang malakas sa Sanedrin, “Mga kapatid, ako'y Pariseo, at anak ng mga Pariseo, at dahil sa pag-asa kong muling mabubuhay ang mga patay kaya ako'y nililitis ngayon.” Nang masabi ito ni Pablo, nagtalu-talo ang mga Pariseo at ang mga Saduseo, at nahati ang kapulungan. Sapagkat naniniwala ang mga Saduseo na hindi na muling mabubuhay ang mga patay at walang anghel o espiritu. Subalit ang mga Pariseo nama'y naniniwala sa lahat ng ito. At lumakas ang kanilang sigawan. Tumayo ang ilan sa mga tagapagturo ng Kautusan na kapanig ng mga Pariseo at malakas na tumutol, “Wala kaming makitang pagkakasala sa taong ito. Anong malay natin, baka nga kinausap siya ng isang espiritu o isang anghel!” Naging mainitan na ang kanilang pagtatalo, at natakot ang pinuno ng mga sundalo na baka bugbugin nila si Pablo. Pinapanaog niya ang mga kawal, ipinakuha si Pablo at ipinapasok muli sa himpilan. Kinagabihan, nagpakita ang Panginoon kay Pablo at sinabi sa kanya, “Lakasan mo ang iyong loob! Nagpatotoo ka tungkol sa akin dito sa Jerusalem; ganyan din ang gagawin mo sa Roma.” Kinaumagahan, matapos na magkasundo ang mga Judio, bawat isa ay sumumpa na hindi kakain o iinom hangga't hindi nila napapatay si Pablo. Mahigit na apatnapung lalaki ang nanumpa ng ganoon. Pumunta sila sa mga punong pari at sa mga pinuno ng bayan, at sinabi nila, “Kami ay sumumpang hindi kakain at hindi iinom hangga't hindi namin napapatay si Pablo. Kaya, hilingin ninyo at ng Sanedrin sa pinuno ng mga sundalo na dalhin muli rito si Pablo. Idahilan ninyong sisiyasatin ninyong mabuti ang kanyang kaso. At sa daan pa lamang ay papatayin na namin siya.” Ang balak na ito'y nalaman ng pamangkin ni Pablo na anak ng kanyang kapatid na babae. Kaya't ipinasabi niya ito kay Pablo. Tinawag naman ni Pablo ang isa sa mga kapitan at sinabi, “Samahan nga po ninyo ang binatilyong ito sa inyong pinuno sapagkat mayroon siyang gustong sabihin.” Sinamahan nga ng kapitan ang binatilyo sa pinuno ng mga sundalo. Sinabi niya, “Tinawag po ako ng bilanggong si Pablo at pinasasamahan sa inyo ang binatilyong ito, sapagkat may sasabihin daw siya sa inyo.” Hinawakan ng pinuno sa kamay ang binatilyo, dinala sa isang tabi at tinanong, “Ano ba ang sasabihin mo sa akin?” Sumagot siya, “Pinagkasunduan po ng mga Judio na hilingin sa inyong iharap si Pablo sa Sanedrin bukas at kunwari'y sisiyasating mabuti. Ngunit huwag po kayong maniniwala. Tatambangan po siya ng mahigit na apatnapung katao na nanumpang hindi kakain o iinom hangga't hindi nila napapatay si Pablo. Handang-handa na po sila ngayon at pasya na lamang ninyo ang hinihintay.” “Huwag mong sasabihin kaninumang ipinaalam mo ito sa akin,” sabi ng pinuno ng mga sundalo. At pinauwi na niya ang binatilyo. Ang pinuno ay tumawag ng dalawang kapitan at sinabi sa mga ito, “Maghanda kayo ng dalawandaang kawal, pasamahan ng pitumpung kabayuhan at dalawandaang maninibat upang magtungo sa Cesarea ngayong alas nuwebe ng gabi. Maghanda rin kayo ng mga kabayong sasakyan ni Pablo at ihatid ninyo siya kay Gobernador Felix. Ingatan ninyo siyang mabuti!” At lumiham siya ng ganito, “Sa Kagalang-galang na Gobernador Felix, mula kay Claudio Lisias, kumusta ka! Ang lalaking ito'y hinuli ng mga Judio at papatayin na sana. Nalaman kong siya'y isang mamamayang Romano, kaya't nagsama ako ng mga kawal at iniligtas siya. Sa hangad kong malaman kung ano ang sakdal laban sa kanya, pinaharap ko siya sa Sanedrin. Nalaman kong ang paratang sa kanya'y tungkol sa ilang usaping may kinalaman sa kanilang kautusan, at hindi sapat na dahilan upang siya'y ipapatay o ipabilanggo. Nalaman ko ring siya'y pinagtatangkaang patayin ng mga Judio, kaya't agad ko siyang ipinadala sa inyo. Sinabi ko sa mga taong nagsasakdal na sa inyo sila magharap ng reklamo laban sa kanya.” Sinunod nga ng mga kawal ang utos sa kanila. Kinagabiha'y kinuha nila si Pablo at dinala sa Antipatris. Kinabukasan, nagbalik na sa himpilan ang mga kawal, ngunit nagpatuloy ng paglalakbay ang mga kabayuhan upang ingatan si Pablo. Pagdating sa Cesarea iniharap nila si Pablo sa gobernador at ibinigay ang sulat na dala nila. Pagkabasa sa sulat, tinanong ng gobernador si Pablo kung tagasaan siya. At nang malamang siya'y taga-Cilicia, kanyang sinabi, “Diringgin ko ang kaso mo pagdating ng mga nagsasakdal sa iyo.” At pinabantayan niya si Pablo sa palasyo ni Herodes. Makalipas ang limang araw, dumating sa Cesarea ang pinakapunong pari na si Ananias, kasama ang ilang pinuno ng bayan at si Tertulo na isang abogado. Iniharap nila sa gobernador ang kanilang reklamo laban kay Pablo. At nang maiharap si Pablo, sinimulan ni Tertulo ang pagsalaysay ng mga paratang kay Pablo. Sinabi niya, “Kagalang-galang na Gobernador Felix, utang namin sa inyong mahusay na pamumuno ang kapayapaang matagal na naming tinatamasa, gayundin ang mga pagbabago para sa ikauunlad ng aming bansa. Ito'y kinikilala naming utang na loob, at lubos namin kayong pinasasalamatan saanman at magpakailanman. Ngunit upang kayo ay huwag nang labis na maabala, mangyari lamang na kami'y pakinggan ninyong sandali. Natuklasan naming ang taong ito'y nanggugulo. Ginugulo niya ang mga Judio saan man siya magpunta, at siya'y isang pasimuno ng sekta ng mga Nazareno. Pinatotohanan naman ng mga Judiong naroroon ang lahat ng sinabi ni Tertulo. Si Pablo ay sinenyasan ng gobernador upang magsalita, kaya't sinabi niya, “Kagalang-galang na Gobernador, nalalaman kong kayo'y matagal nang hukom sa bansang ito, kaya't ikinagagalak kong ipagtanggol ang aking sarili sa harap ninyo. Wala pang labindalawang araw mula nang ako'y dumating sa Jerusalem upang sumamba. Matitiyak ninyo iyan kung kayo'y magsisiyasat. Minsan man ay hindi nila ako nakitang nakikipagtalo kaninuman sa loob ng Templo, o gumagawa ng gulo sa sinagoga, o sa alinmang lugar sa lunsod. Wala silang maihaharap na katibayan sa kanilang mga paratang laban sa akin. Inaamin kong ang pagsamba ko sa Diyos ng aming mga ninuno ay ayon sa Daan na sinasabi nilang maling pananampalataya. Subalit naniniwala rin ako sa lahat ng nasusulat sa Kautusan at sa mga aklat ng mga propeta. Tulad nila, sumasampalataya din akong muling bubuhayin ng Diyos ang lahat ng tao, matuwid man o di-matuwid. Kaya't pinagsisikapan kong laging maging malinis ang aking budhi sa harap ng Diyos at ng tao. “Ilang taon akong nawala sa Jerusalem at nagbalik ako upang maghatid ng tulong sa mga kababayan ko at maghandog sa Diyos. Natapos ko nang tuparin ang paglilinis ayon sa Kautusan at nag-aalay ako ng aking handog nang datnan nila ako sa Templo na di kasama ng karamihan, at wala namang gulo. May mga Judiong galing sa Asia na naroroon, sila sana ang naparito upang magharap ng sakdal kung sila'y may nakitang anumang dapat iparatang laban sa akin. O kaya naman, magsabi ang mga taong naririto kung ano ang pagkakasalang nagawa ko nang ako'y iharap sa Sanedrin, liban lamang marahil sa isinigaw kong ito sa harap nila, ‘Dahil sa pag-asa kong muling mabubuhay ang mga patay, ako'y nililitis sa harapan ninyo ngayon.’” Si Felix ay may sapat na kaalaman tungkol sa Daan, kaya't ipinagpaliban muna niya ang paglilitis. Sinabi niya, “Hahatulan ko ang iyong kaso pagdating ni Lisias.” Pagkatapos, iniutos niya sa kapitan na pabantayan si Pablo, subalit huwag hihigpitan kundi hayaang dalawin at tulungan ng kanyang mga kaibigan. Makaraan ang ilang araw, dumating si Felix, kasama ang asawa niyang si Drusila na isang Judio. Ipinatawag niya si Pablo at pinakinggan ang sinasabi nito tungkol sa pananalig kay Cristo Jesus. Ngunit nang magpatuloy si Pablo ng pagsasalita tungkol sa pagiging matuwid, pagpipigil sa sarili, at sa darating na paghuhukom, natakot si Felix. Kaya't sinabi niya, “Makakaalis ka na, ipapatawag kitang muli kapag may panahon na ako.” Malimit niyang ipatawag at kausapin si Pablo sa pag-asang susuhulan siya nito. Makaraan ang dalawang taon, si Felix ay napalitan ni Porcio Festo. Sa hangad ni Felix na bigyang-lugod ang mga Judio, si Pablo'y hinayaan niya sa bilangguan. Dumating si Festo sa lalawigang pangangasiwaan niya at pagkaraan ng tatlong araw, pumunta siya sa Jerusalem mula sa Cesarea. Lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang mga pinuno ng mga Judio, at idinulog ang kanilang reklamo laban kay Pablo. Dahil may balak silang tambangan at patayin si Pablo, nagmakaawa sila sa gobernador na ipatawag siya sa Jerusalem. Sumagot si Festo, “Si Pablo'y nakabilanggo sa Cesarea at babalik ako roon sa madaling panahon. Pasamahin ninyo sa akin ang inyong mga pinuno, kung totoong may pagkakamali siya, saka ninyo siya isakdal.” Nagpalipas pa si Festo ng walo o sampung araw sa Jerusalem, saka bumalik sa Cesarea. Kinabukasan, umupo siya sa hukuman at nag-utos na iharap sa kanya si Pablo. Pagdating ni Pablo, pinaligiran siya ng mga Judiong galing sa Jerusalem. Nagharap sila ng maraming mabibigat na paratang laban sa kanya, ngunit hindi nila napatunayan ang mga iyon. Sinabi ni Pablo bilang pagtatanggol sa sarili, “Wala akong ginawang labag sa Kautusan ng mga Judio, ni laban sa Templo, o sa Emperador.” Nais ni Festo na pagbigyan ang mga Judio, kaya't tinanong niya si Pablo, “Nais mo bang pumunta sa Jerusalem upang doon kita litisin?” Sumagot si Pablo, “Naririto ako sa harap ng hukuman ng Emperador; dito ako dapat litisin. Wala akong nagawang pagkakasala sa mga Judio at iyan ay nalalaman ninyo. Kung ako ay lumabag sa batas o nakagawa ng anumang bagay na dapat parusahan ng kamatayan, wala akong tutol mamatay. Ngunit kung walang katotohanan ang mga paratang nila sa akin, hindi ako dapat ibigay sa kanila. Dudulog ako sa Emperador.” Sumangguni si Festo sa kanyang mga tagapayo, at pagkatapos ay sinabi, “Sapagkat gusto mong dumulog sa Emperador, sa Emperador ka pumunta.” Makalipas ang ilang araw, dumating sa Cesarea si Haring Agripa at si Bernice upang bumati kay Festo. Nang matagal-tagal na sila roon, isinalaysay ni Festo sa hari ang tungkol kay Pablo. Sinabi ni Festo kay Haring Agripa, “Si Felix ay may iniwan ditong isang bilanggo. Nang ako'y nasa Jerusalem, inireklamo ito sa akin ng mga punong pari at ng mga pinuno ng mga Judio at hininging parusahan siya. Sinagot ko silang hindi kaugaliang Romano ang magparusa sa sinumang inirereklamo hangga't hindi nito naipagtatanggol ang kanyang sarili laban sa mga nagsasakdal sa kanya. Kaya't nang dumating sila rito, hindi na ako nag-aksaya ng panahon; kinabukasan din, ipinatawag ko siya sa hukuman. Nang tumayo ang mga nagsasakdal, hindi nila siya pinaratangan ng anumang mabigat na pagkakasala na inaakala kong ipaparatang nila. Ang tangi nilang pinagtatalunan ay tungkol sa kanilang relihiyon at sa isang tao na ang pangala'y Jesus. Patay na ang taong ito, ngunit ipinipilit naman ni Pablo na siya'y buháy. Hindi ko malaman kung ano ang gagawin sa bagay na ito, kaya't tinanong ko si Pablo kung nais niyang sa Jerusalem siya litisin. Ngunit tumutol siya at hiniling na ipaubaya sa Emperador ang pagpapasya sa kanyang kaso. Dahil dito, pinabantayan ko siya upang ipadala sa Emperador.” Sinabi ni Agripa kay Festo, “Gusto kong mapakinggan ang taong iyan.” “Mapapakinggan mo siya bukas,” tugon naman ni Festo. Kinabukasan, dumating sina Agripa at Bernice, kasama ang matataas na punong kawal at ang mga tanyag na tao sa lunsod. Pumasok sila sa bulwagan ng hukuman at iniutos ni Festo na si Pablo'y iharap sa kanila. Sinabi ni Festo, “Haring Agripa, at lahat ng naririto, narito po ang lalaking isinakdal sa akin ng mga Judio rito at sa Jerusalem. Ipinagsisigawan nilang hindi siya dapat mabuhay. Ngunit sa pagsisiyasat ko'y wala akong makitang dahilan upang parusahan siya ng kamatayan. Dahil nais niyang dumulog sa Emperador, ipinasya kong ipadala siya roon. Subalit wala akong tiyak na maisulat sa Emperador tungkol sa taong ito. Kaya iniharap ko siya sa inyo, lalung-lalo na sa iyo, Haring Agripa, upang may maisulat ako pagkatapos na siya'y masiyasat natin. Inaakala kong hindi na dapat ipadala sa Emperador ang isang bilanggo nang hindi inilalahad ang mga reklamo laban sa kanya.” Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Maaari ka nang magsalita; ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?” Nagbigay-galang si Pablo at nagsalita bilang pagtatanggol sa sarili. “Haring Agripa, itinuturing ko pong isang malaking kapalaran na marinig ninyo ang pagtatanggol ko sa aking sarili laban sa mga paratang ng mga Judio sapagkat lubos ninyong nababatid ang mga kaugalian at pagtatalo ng mga Judio. Kaya't hinihiling ko pong pagtiyagaan ninyo akong pakinggan. “Alam ng lahat ng Judio kung paano ako namuhay mula pa sa aking kamusmusan sa aking sariling bayan at sa Jerusalem. Matagal na nilang alam, at sila na ang makakapagpatotoo kung kanilang gugustuhin, na ako'y namuhay bilang kaanib ng pinakamahigpit na sekta ng aming relihiyon, ang sekta ng mga Pariseo. At ngayo'y nililitis ako dahil sa aking pag-asa sa pangako ng Diyos sa aming mga ninuno. Ang pangako ring iyan ang inaasahan ng aming labindalawang lipi kaya't sila'y taimtim na sumasamba sa Diyos gabi't araw. At dahil sa pag-asa ring ito, Haring Agripa, ako'y pinaparatangan ng mga Judio! Bakit hindi mapaniwalaan ng mga naririto na maaaring muling buhayin ng Diyos ang mga patay? “Akala ko rin noong una'y dapat kong gawin ang lahat ng aking magagawa laban sa pangalan ni Jesus na taga-Nazaret. At ganoon nga ang ginawa ko sa Jerusalem. Maraming Cristiano ang aking ipinabilanggo batay sa kapangyarihang ibinigay sa akin ng mga punong pari ng mga Judio. Isa rin ako sa mga humatol ng kamatayan sa kanila. Pinupuntahan ko ang bawat sinagoga, at sinuman sa kanila ang abutan ko roon ay pinaparusahan ko upang piliting magsalita laban kay Jesus. Sa tindi ng poot ko'y pinag-uusig ko sila kahit sa mga lunsod sa ibang bansa.” Kaming lahat ay natumba sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsabi sa akin sa wikang Hebreo, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig? Ikaw na rin ang masasaktan sa ginagawa mong iyan. Para kang sumisipa sa talim.’ At itinanong ko, ‘Sino po kayo, Panginoon?’ At kanyang sinabi, ‘Ako'y si Jesus na iyong pinag-uusig. Tumayo ka! Nagpakita ako sa iyo upang ikaw ay isugo, upang magpatotoo tungkol sa nakita mo ngayon at sa mga ipapakita ko pa sa iyo. Ililigtas kita mula sa mga kababayan mo at sa mga Hentil na pupuntahan mo sa pangalan ko. Isusugo kita sa mga taong iyon upang imulat ang kanilang mga mata, ibalik sila sa kaliwanagan mula sa kadiliman, iligtas sila sa kapangyarihan ni Satanas at ibalik sa Diyos. At sa pamamagitan ng pananampalataya nila sa akin, sila'y patatawarin sa kanilang mga kasalanan at sila'y mapapabilang sa mga taong pinaging-banal ng Diyos.’ “Dahil dito, Haring Agripa, hindi ko po sinuway ang pangitaing mula sa langit. Nangaral ako, una sa Damasco, saka sa Jerusalem at sa buong lupain ng Judea, at gayundin sa mga Hentil. Ipinangaral kong dapat silang magsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan, lumapit sa Diyos, at ipakita ang kanilang pagsisisi sa pamamagitan ng mga gawa. Dahil dito'y hinuli ako ng mga Judio habang ako'y nasa Templo, at nais nila akong patayin. Ngunit hindi ako pinabayaan ng Diyos, kaya't ngayon nakatayo ako rito at nagpapatotoo tungkol sa kanya sa lahat ng tao, anuman ang katayuan nila sa buhay. Wala akong itinuturo kundi ang mga sinabi ng mga propeta at ni Moises, na ang Cristo ay kailangang magdusa, at siya ang unang mabubuhay na muli upang magdulot ng liwanag sa mga Judio at sa mga Hentil.” Habang nagsasalita pa si Pablo, malakas na sinabi ni Festo, “Nababaliw ka na, Pablo! Sa kaaaral mo'y nasira na ang iyong ulo.” Ngunit sumagot si Pablo, “Hindi ako nababaliw, Kagalang-galang na Festo! Malinaw ang isip ko at ang sinasabi ko'y pawang katotohanan. Naririto ang Haring Agripa. Malakas ang loob kong magsalita sa harap niya sapagkat alam niya ang lahat ng ito. Tiyak na walang nalilingid sa kanya sapagkat hindi sa isang sulok lamang nangyari ito. Haring Agripa, naniniwala ba kayo sa mga propeta? Alam kong naniniwala kayo!” Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Sa loob ng ganito kaikling panahon ay ibig mo yata na maging Cristiano ako!” Sumagot si Pablo, “Maging sa maikli o sa mahabang panahon, loobin nawa ng Diyos na hindi lamang kayo, kundi ang lahat ng nakakarinig sa akin ngayon ay maging kagaya ko, maliban sa mga tanikalang ito.” Tumayo ang hari, ang gobernador, si Bernice, at lahat ng kasama nila. Lumabas sila at nag-usap-usap, “Ang taong ito'y walang ginawang anumang dapat hatulan ng kamatayan o pagkabilanggo.” At sinabi pa ni Agripa kay Festo, “Kung hindi lamang niya hiniling na idulog ang kanyang kaso sa Emperador, maaari na sana siyang palayain.” Nang mapagpasyahang dapat kaming maglayag papuntang Italia, si Pablo at ang ilan pang bilanggo ay ipinailalim sa pamamahala ni Julio, isang kapitan ng hukbong Romano na tinatawag na “Mga sundalo ng Emperador.” Sumakay kami sa isang barkong galing sa Adramicio, papunta sa lalawigan ng Asia, at naglakbay kami kasama si Aristarco, na taga-Tesalonicang nakatira sa Macedonia. Kinabukasan, dumaong kami sa Sidon. Naging magaan ang loob ni Julio kay Pablo; pinahintulutan niya itong makadalaw sa kanyang mga kaibigan upang matulungan siya sa kanyang mga pangangailangan. Mula roon ay naglakbay kaming muli, at dahil sa pasalungat ang hangin, kami'y namaybay sa gawing silangan ng Cyprus upang kumubli. Dumaan kami sa tapat ng Cilicia at Pamfilia, at kami'y dumating sa Mira, isang lunsod ng Licia. Ang kapitan ng mga sundalo ay nakakita roon ng isang barkong mula sa Alejandria papuntang Italia, at inilipat niya kami roon. Mabagal ang aming paglalakbay. Tumagal ito ng maraming araw, at nahirapan kami bago nakarating sa tapat ng Cinido. Buhat dito'y hindi namin matawid ang kalawakan ng dagat sapagkat pasalungat kami sa hangin. Kaya't nagpunta kami sa silangan ng Creta na kubli sa hangin, at sa tapat ng Salmon. Matiyaga kaming namaybay sa tabi hanggang sa marating namin ang pook na tinatawag na Mabuting Daungan na malapit sa bayan ng Lasea. Mahabang panahon na kaming naglalakbay. Mapanganib na ang magpatuloy dahil nakaraan na ang Araw ng Pag-aayuno, kaya't pinagpayuhan sila ni Pablo. Sabi niya, “Mga ginoo, sa tingin ko'y mapanganib na ang maglakbay mula ngayon, at maaaring mapinsala ang mga kargamento at ang barko, at nanganganib pati ang buhay natin.” Ngunit higit na pinahalagahan ng kapitan ng mga sundalo ang salita ng may-ari at kapitan ng barko kaysa sa payo ni Pablo. Dahil hindi mabuting tigilan ang daungang iyon kung panahon ng taglamig, minabuti ng nakararami na magpatuloy na sila sa kanilang paglalakbay, sa pag-asang makakarating sila sa Fenix. Ito'y isang daungan sa Creta, at nakaharap sa hilagang-kanluran at timog-kanluran. Umihip nang marahan ang hangin buhat sa timog kaya't inakala nilang maaari na silang umalis. Isinampa nila ang angkla at sila'y namaybay sa Creta. Ngunit di nagtagal, bumugso mula sa pulo ang isang malakas na hanging mula sa hilagang-silangan. Hinampas nito ang barko, at dahil hindi kami makasalungat, nagpatangay na lamang kami sa hangin. Nang makakubli kami sa isang maliit na pulo na tinatawag na Cauda, naisampa namin ang barko, ngunit nahirapan kami bago nagawa iyon. Nang maidaong ito, tinalian nila ng malalaking lubid ang barko. Ngunit natakot silang sumadsad sa buhanginan ng Sirte, kaya't ibinabâ nila ang layag at kami'y nagpaanod na lamang. Patuloy na lumakas ang bagyo; kaya't kinabukasa'y sinimulan nilang itapon sa dagat ang mga kargamento. At nang sumunod na araw, itinapon din nila ang mga kagamitan ng barko. Matagal naming di nakita ang araw at ang mga bituin, at hindi rin humuhupa ang napakalakas na bagyo, kaya't nawalan na kami ng pag-asang makakaligtas pa. Dahil matagal nang hindi kumakain ang mga nasa barko, tumayo si Pablo at nagsalita, “Mga kasama, kung nakinig lamang kayo sa akin at di tayo umalis sa Creta, hindi sana natin inabot ang ganito. Ito ngayon ang payo ko, lakasan ninyo ang inyong loob sapagkat walang mamamatay isa man sa inyo! Kaya nga lamang, mawawasak ang barko. Nagpakita sa akin kagabi ang isang anghel ng Diyos, ang Diyos na sinasamba ko at pinaglilingkuran. Sinabi niya sa akin, ‘Huwag kang matakot, Pablo! Dapat kang humarap sa Emperador. Alang-alang sa iyo'y ililigtas ng Diyos ang lahat ng mga kasama mong naglalakbay.’ Kaya, tibayan ninyo ang inyong loob, mga kasama! Nananalig ako sa Diyos na mangyayari ang lahat ayon sa sinabi niya sa akin. Kaya lamang, mapapadpad tayo sa isang pulo.” Pagkalipas ng dalawang linggo sa gitna ng dagat, napadpad kami sa Dagat Mediteraneo. Nang Maghahating-gabi na, napuna ng mga marinero na nalalapit na kami sa pampang. Sinukat nila ang tubig at nakitang may apatnapung metro ang lalim nito; at pagsulong pa nila nang bahagya ay muli nilang sinukat, at nakitang may tatlumpung metro na lamang. Sa takot na sumadsad kami sa batuhan, inihulog nila ang apat na angkla sa hulihan ng barko at ipinanalanging mag-umaga na sana. Tinangka ng mga marinero na tumakas mula sa barko kaya't ibinabâ nila sa tubig ang bangka, at kunwari'y maghuhulog ng angkla sa unahan. Ngunit sinabi ni Pablo sa kapitan at sa mga sundalo, “Kapag hindi nanatili sa barko ang mga taong iyan, hindi kayo makakaligtas.” Kaya't nilagot ng mga kawal ang lubid ng bangka at hinayaan itong mahulog. Nang mag-uumaga na, silang lahat ay hinimok ni Pablo upang kumain. “Labing-apat na araw na ngayong kayo'y hindi kumakain dahil sa pagkabalisa at paghihintay. Kumain na kayo! Kailangan ninyo ito upang kayo'y makaligtas. Hindi maaano ang sinuman sa inyo!” At pagkasabi nito, kumuha siya ng tinapay, at sa harapan ng lahat ay nagpasalamat sa Diyos, pinagpira-piraso ang tinapay at kumain. Lumakas ang loob ng lahat at sila'y kumain din. Kaming lahat ay 276 katao. Nang mabusog sila, itinapon nila sa dagat ang kargang trigo upang gumaan ang barko. Nang mag-umaga na, nakatanaw sila ng lupa, ngunit hindi nila alam kung anong lugar iyon. Napansin nila ang isang dalampasigan, at binalak nilang igawi doon ang barko kung maaari. Kaya't pinutol nila ang tali ng mga angkla at iniwanan ang mga ito sa dagat. Kinalag din nila ang mga tali ng timón at itinaas ang layag sa unahan upang ang barko'y itulak ng hangin papunta sa dalampasigan. Ngunit nasadsad ang barko sa parteng mababaw. Bumaon ang unahan ng barko kaya't hindi makaalis. Samantala, ang hulihan naman ay nawasak dahil sa kahahampas ng malalakas na alon. Binalak ng mga kawal na patayin ang mga bilanggo upang walang makalangoy at makatakas. Subalit nais ng kapitan ng mga kawal na iligtas si Pablo kaya pinagbawalan nito ang mga kawal. Sa halip, pinatalon niya sa tubig ang lahat ng marunong lumangoy upang makarating sa pampang. Ang iba'y inutusan niyang sumunod na nakahawak sa mga tabla o piraso ng barko. At kaming lahat ay nakarating sa dalampasigan. Nang makaligtas na kami, nalaman naming ang pulong iyon ay tinatawag na Malta. Napakaganda ng ipinakita sa amin ng mga tagaroon, sapagkat nang bumagsak ang ulan at naging maginaw, nagsiga sila at inasikaso kaming mabuti. Si Pablo nama'y namulot ng kahoy at nang mailagay ang mga iyon sa sigá, mula roo'y lumabas ang isang ahas. Tinuklaw nito at pinuluputan ang kamay ni Pablo. Nang makita ng mga tagaroon ang ahas na nakabitin sa kamay ni Pablo, nasabi nila sa isa't isa, “Siguro'y mamamatay-tao iyan. Nakaligtas nga siya sa dagat ngunit hindi naman ipinahintulot ng langit na siya'y mabuhay pa.” Subalit ipinagpag lamang ni Pablo sa apoy ang ahas at hindi siya naano. Hinihintay nilang mamaga si Pablo, o kaya'y biglang mabuwal at mamatay. Nang matagal na silang naghihintay at wala namang nangyayari sa kanya, nagbago sila ng akala. “Siya'y isang diyos,” sabi nila. Ang pinuno sa pulong iyon ay isang nagngangalang Publio, at malapit sa lugar na iyon ang kanyang lupain. Malugod niya kaming pinatuloy sa loob ng tatlong araw. Ang ama ni Publio ay nagkataong nakaratay noon dahil sa lagnat at disintirya, kaya't ito'y dinalaw ni Pablo. Pagkatapos manalangin, ipinatong ni Pablo ang kanyang kamay sa maysakit at ito'y gumaling. Dahil sa nangyaring ito, nagdatingan ang mga tagaroong may karamdaman, at sila'y pinagaling din ni Pablo. Binigyan nila kami ng maraming regalo, at nang paalis na kami ay binigyan pa nila kami ng lahat ng kailangan sa paglalakbay. Tatlong buwan ang nagdaan bago kami nakaalis doon, sakay ng isang barkong nagpalipas din ng taglamig sa pulo. “Kambal ng Diyos” ang pangalan ng barkong ito na nagmula sa Alejandria. Dumaong kami sa Siracusa at tumigil doon nang tatlong araw. Nagpatuloy kami ng paglalakbay at dumating sa Regio. Kinabukasa'y umihip ang hangin mula sa timog, at nakarating kami sa Puteoli sa loob lamang ng dalawang araw. May natagpuan kami roong mga kapatid at inanyayahan nila kaming tumigil doon nang isang linggo. Mula roo'y ipinagpatuloy namin ang huling bahagi ng aming paglalakbay papuntang Roma. Nabalitaan ng mga kapatid sa Roma ang tungkol sa amin, kaya't pumaroon sila sa Foro de Apio at sa Tres Tabernas upang kami'y salubungin. Nang makita sila ni Pablo, nagpasalamat siya sa Diyos, at lumakas naman ang kanyang loob. Pagdating namin sa Roma, si Pablo'y pinahintulutang umupa ng sariling tirahan, kasama ang isang kawal na magbabantay sa kanya. Makaraan ang tatlong araw, inanyayahan ni Pablo sa isang pulong ang mga pangunahing Judio sa lunsod. Nang magtipon na sila, sinabi niya, “Mga kapatid, kahit na ako'y walang ginawa laban sa ating bansa o sa mga kaugalian ng ating mga ninuno, hinuli ako sa Jerusalem at idinemanda sa kinatawan ng pamahalaang Romano. Matapos akong litisin, ako sana'y palalayain na, sapagkat wala naman akong ginawang dapat parusahan ng kamatayan. Ngunit tumutol ang mga Judio kaya't napilitan akong dumulog sa Emperador. Gayunman, wala akong paratang laban sa aking mga kababayan. Nakagapos ako sa kadenang ito dahil kay Jesus na siyang pag-asa ng Israel. Iyan ang dahilan kung bakit hiniling kong makausap kayo.” Sagot nila, “Wala kaming natatanggap na sulat buhat sa Judea tungkol sa iyo. At sa kababayan man nating naparito ay walang nagbabalita o nagsasalita ng anuman laban sa iyo. Gayunman, nais naming mapakinggan kung ano ang masasabi mo, sapagkat alam naming kahit saan ay marami ang sinasabi ng mga tao laban sa sektang ito.” Kaya't nagtakda sila ng araw. Marami ngang pumunta sa tinitirhan ni Pablo pagsapit ng araw na iyon. Maghapon siyang nagpaliwanag sa kanila at nagpatotoo tungkol sa kaharian ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kautusan ni Moises at ng mga sinulat ng mga propeta, sinikap niyang papaniwalain sila kay Jesus. May naniwala at mayroon din namang hindi naniwala sa kanyang sinabi. Kaya't nang hindi sila magkaisa, sila'y umalis matapos sabihin ni Pablo ang ganitong pangungusap, “Tama ang sinabi ng Espiritu Santo sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ni Propeta Isaias, ‘Pumunta ka sa mga taong ito at sabihin mo sa kanila, Makinig man kayo nang makinig ay hindi kayo makakaunawa, at tumingin man kayo nang tumingin ay hindi kayo makakakita. Sapagkat napakatigas ng mga puso ng taong ito, mahirap makarinig ang kanilang mga tainga, at ipinikit nila ang kanilang mga mata. Sapagkat ayaw nilang makakita ang kanilang mga mata, makarinig ang kanilang mga tainga, at makaunawa ang kanilang mga pag-iisip. Kung ganoon sana'y nagbalik-loob kayo sa akin, at kayo naman ay aking pagagalingin, sabi ng Panginoon.’” Humigit-kumulang sa dalawang taóng nanirahan si Pablo sa Roma, sa bahay na kanyang inuupahan, at tinatanggap niya ang lahat ng pumupunta sa kanya. Siya'y buong tapang at malayang nangangaral tungkol sa kaharian ng Diyos at sa Panginoong Jesu-Cristo. Mula kay Pablo na isang alipin ni Jesu-Cristo, tinawag upang maging apostol at hinirang upang mangaral ng Magandang Balita ng Diyos. Ang Magandang Balitang ito na ipinangako niya noong una pa man sa pamamagitan ng mga propeta, at sinasabi sa mga Banal na Kasulatan, Sa pamamagitan niya, tinanggap namin sa Diyos ang kaloob na maging apostol alang-alang kay Cristo, upang ang mga Hentil ay akayin sa pananampalataya at pagsunod sa kanya. Kayo'y kabilang sa mga tinawag na maging mga tagasunod ni Jesu-Cristo. Sa inyong lahat na nasa Roma, mga minamahal ng Diyos at tinawag upang maging banal, sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo dahil sa inyong lahat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay balitang-balita sa buong daigdig. Saksi ko ang Diyos, na pinaglilingkuran ko nang buong puso sa pamamagitan ng aking pangangaral ng Magandang Balita tungkol sa kanyang Anak, na lagi ko kayong idinadalangin. Lagi kong hinihiling na loobin nawa niyang ako'y makapunta riyan sa inyo. Nananabik akong makita kayo upang maibahagi sa inyo ang mga kaloob ng Espiritu sa ikatatatag ninyo. Ang ibig kong sabihi'y upang magkatulungan tayo sa ikalalakas ng bawat isa sa atin sa pamamagitan ng ating pananalig sa Diyos. Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ilang ulit ko nang binalak na pumunta riyan, ngunit laging may nagiging hadlang. Nais kong makahikayat din diyan ng mga sasampalataya kay Cristo, tulad ng nagawa ko na sa ibang mga bansang Hentil. May pananagutan ako sa lahat: sa mga sibilisado at sa mga barbaro, sa marurunong at sa mga mangmang. Kaya nga, nais ko ring ipangaral diyan sa Roma ang Magandang Balita. Hindi ko ikinahihiya ang Magandang Balita, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una'y sa mga Judio at gayundin sa mga Griego. Sapagkat ipinapakita ng Magandang Balita kung paano ginagawang matuwid ng Diyos ang isang tao; at ito ay sa pamamagitan ng pananampalataya buhat sa simula hanggang sa wakas. Tulad ng sinasabi sa Kasulatan, “Ang itinuring na matuwid ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay.” Nahahayag mula sa langit ang poot ng Diyos laban sa lahat ng kalapastanganan at kasamaan ng mga taong dahil mismo sa kanilang kasamaan ay hinahadlangan ang katotohanan. Sapagkat ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay maliwanag, dahil iyon ay ipinapahayag sa kanila ng Diyos. Mula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, ang kanyang likas na hindi nakikita, ang kanyang kapangyarihang walang hanggan at ang kanyang pagka-Diyos, ay maliwanag na inihahayag ng kanyang mga ginawa. Kaya't wala na silang maidadahilan pa. Kahit na alam nilang may Diyos, siya'y hindi nila pinarangalan bilang Diyos, ni pinasalamatan man lang. Sa halip, naghaka-haka sila ng mga bagay na walang kabuluhan kaya't nagdilim ang hangal nilang pag-iisip. Sila'y nagmamarunong ngunit lumitaw na sila'y mga hangal. Tinalikuran nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan, at ang sinamba nila'y mga larawan ng mga taong may kamatayan, ng mga ibon, ng mga hayop na may apat na paa, at ng mga hayop na gumagapang. Kaya't hinayaan na sila ng Diyos sa kanilang maruruming pagnanasa hanggang sa hindi na nila mapigil ang paggawa ng kahalayan sa isa't isa. Ang katotohanan tungkol sa Diyos ay tinalikuran at pinalitan nila ng kasinungalingan. Sinamba nila at pinaglingkuran ang mga nilikha, sa halip na ang lumikha, na siyang dapat papurihan magpakailanman! Amen. Dahil dito'y hinayaan sila ng Diyos sa mahahalay na pagnanasa. Ayaw nang makipagtalik ng babae sa lalaki, at sa halip ay sa kapwa babae sila nakikipag-ugnayan. Ganoon din ang mga lalaki; ayaw na nilang makipagtalik sa mga babae, at sa kanilang kapwa lalaki sila nahuhumaling. Ginagawa nila ang mga kasuklam-suklam na bagay, kaya't sila'y paparusahan ng nararapat sa kanilang masasamang gawa. Dahil ayaw nilang kilalanin ang Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa masasamang pag-iisip at sa mga gawaing kasuklam-suklam. Naging alipin sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kabuktutan, kasakiman, masasamang isip, pagkainggit, pagpatay, pagtatalo, pandaraya at masasamang hangarin. Sila'y naging mahihilig sa tsismis, mapanirang puri, nasusuklam sa Diyos, walang pakundangan, mapagmataas, mayayabang, mapagkatha ng kasamaan, at suwail sa magulang. Sila'y naging mga hangal, mga taksil, mga walang puso, at di-marunong lumingap sa kapwa. Nalalaman nila ang utos ng Diyos na dapat mamatay ang mga gumagawa nito, ngunit patuloy sila sa paggawa nito at natutuwa pang makita na ang iba ay gumagawa rin ng ganoon. Kaya nga, sino ka mang humahatol sa iba, wala kang maidadahilan. Sapagkat sa paghatol mo sa iba, hinahatulan mo rin ang iyong sarili, dahil ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng ganoon. Nalalaman nating makatarungan ang hatol ng Diyos laban sa mga gumagawa ng mga iyon. Akala mo ba'y makakaiwas ka sa parusa ng Diyos kung hahatulan mo ang mga gumagawa ng masasamang gawaing ginagawa mo rin naman? O baka naman gusto mo pang hamakin ang Diyos dahil siya ay napakabait, mapagpigil at mapagpaumanhin! Hindi mo ba alam na napakabuti ng Diyos kaya binibigyan ka niya ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa kasalanan? Ngunit sa katigasan ng iyong ulo at di pagsisisi, lalo mong pinapabigat ang parusang igagawad sa iyo sa araw na iyon, kung kailan ihahayag ang poot at makatuwirang paghatol ng Diyos. Sapagkat igagawad niya sa lahat ng tao ang naaayon sa kanilang mga ginawa. Bibigyan niya ng buhay na walang hanggan ang mga taong patuloy na gumagawa ng mabuti, naghahangad ng karangalan, kadakilaan at kawalang kamatayan. Ngunit matinding galit at poot ang sasapitin ng mga taong makasarili at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sa kasamaan. Paghihirap at kapighatian ang daranasin ng bawat gumagawa ng masama, una ang mga Judio at gayundin ang mga Griego. Ngunit karangalan, kapurihan at kapayapaan naman ang tatamuhin ng bawat gumagawa ng mabuti, una ang mga Judio at gayundin ang mga Griego sapagkat walang itinatangi ang Diyos. Ang lahat ng nagkakasala na hindi saklaw ng Kautusan ni Moises ay paparusahan, ngunit hindi batay sa Kautusang iyon. Subalit ang lahat naman ng nagkakasala na saklaw ng Kautusan ay hahatulan batay sa Kautusan. Sapagkat hindi ang mga nakikinig sa Kautusan, kundi ang sumusunod dito, ang siyang pawawalang-sala ng Diyos. Kapag ang mga Hentil na hindi saklaw ng Kautusan ay gumagawa batay sa panuntunan nito ayon sa kanilang likas na pag-iisip, ito'y nagiging kautusan na para sa kanila. Ipinapakita ng kanilang mga gawa na nakasulat sa kanilang puso ang panuntunan ng Kautusan. Pinapatunayan din ito ng kanilang budhi, sapagkat kung minsan sila'y sinusumbatan nito; at kung minsan naman, sila'y ipinagtatanggol nito sa kanilang isipan. Ayon sa Magandang Balitang aking ipinapangaral, mangyayari ito sa araw na ang mga lihim ng lahat ng mga tao'y hahatulan ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Ngunit ikaw na nagsasabing ikaw ay Judio at nananalig sa Kautusan, ipinagmamalaki mong may kaugnayan ka sa Diyos. Sabi mo'y alam mo ang kanyang kalooban at ang mabubuting bagay, sapagkat itinuro ito sa iyo ng Kautusan. Ang palagay mo'y tagaakay ka ng bulag, tanglaw ng mga nasa kadiliman, tagapayo ng mga hangal, at tagapagturo ng mga bata, dahil natuklasan mo sa Kautusan ang buong kaalaman at katotohanan. Nagtuturo ka sa iba, bakit di mo turuan ang iyong sarili? Nangangaral kang masama ang magnakaw, hindi ka ba nagnanakaw? Sinasabi mong huwag mangangalunya, hindi ka ba nangangalunya? Nasusuklam ka sa mga diyus-diyosan, ngunit pumapasok ka pa sa mga templo nito makapagnakaw lamang! Ipinagmamalaki mong saklaw ka ng Kautusan, ngunit nilalapastangan mo naman ang Diyos sa pamamagitan ng paglabag mo sa Kautusan! Sapagkat nasusulat, “Ang pangalan ng Diyos ay nilalait ng mga Hentil dahil sa inyo.” Mahalaga lamang ang iyong pagiging tuli kung tumutupad ka sa Kautusan, subalit kung lumalabag ka sa Kautusan, para ka ring hindi tinuli. Kung ang hindi tuli ay gumagawa batay sa panuntunan ng Kautusan, hindi ba siya ituturing na tuli? Kaya, ikaw na Judiong nasa ilalim ng Kautusan, ngunit hindi naman tumutupad, ay hahatulan ng mga hindi tuling tumutupad sa Kautusang iyan. Sapagkat ang isang tao ay hindi nagiging Judio dahil sa panlabas na kaanyuan o dahil sa siya ay tinuli sa laman. Ang tunay na Judio ay ang taong nabago sa puso't kalooban ayon sa Espiritu at hindi ayon sa Kautusang nasusulat. Ang taong iyon ay pararangalan ng Diyos at hindi ng tao. Kung gayon, paanong nakakalamang ang Judio sa hindi Judio? Ano ang kabuluhan ng pagiging tuli? Napakarami! Una sa lahat, ang mga Judio ang pinagkatiwalaan ng mga mensahe ng Diyos. Ano nga kung hindi naging tapat ang ilan sa kanila? Ang ibig kayang sabihin niyon ay hindi na rin tapat ang Diyos? Hinding-hindi! Ang Diyos ay tapat at totoo kahit na sinungaling pa ang lahat ng tao. Ayon nga sa nasusulat, “Upang kilalanin kang matuwid sa iyong mga salita, at manaig ka kung hahatulan ka na.” Ngunit kung ang kasamaan natin ay nagpapakilala ng katarungan ng Diyos, masasabi ba nating hindi siya makatarungan dahil tayo'y pinaparusahan niya? (Ganyan ang pangangatuwiran ng tao.) Hinding-hindi! Kung hindi makatarungan ang Diyos, paano niya hahatulan ang sanlibutan? Kung sa pamamagitan ng aking kasinungalingan ay lalong lumilitaw ang kaluwalhatian ng Diyos, sapagkat lalong nakikilala na siya'y tapat, bakit pa niya ako paparusahan bilang isang makasalanan? Kung gayon, bakit nga hindi natin sabihin, “Gumawa tayo ng masama kung mabuti naman ang magiging bunga noon?” Ganyan daw ang itinuturo namin, sabi ng mga naninira sa amin. Sila'y paparusahan ng Diyos, at iyan ang nararapat. Ano ngayon? Ang kalagayan ba nating mga Judio ay mas mabuti kaysa sa mga Hentil? Hindi! Tulad na nga ng aming sinabi, ang lahat ng tao ay makasalanan, maging Judio o Hentil man. Ayon sa nasusulat, “Walang matuwid, wala kahit isa. Walang nakakaunawa, walang naghahanap sa Diyos. Ang lahat ay lumihis ng landas at nagpakasama. Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa.” “Parang bukás na libingan ang kanilang lalamunan; pananalita nila'y pawang panlilinlang. Ang labi nila'y may kamandag ng ahas.” “Puno ng pagmumura at masasamang salita ang kanilang bibig.” “Sila'y tumatakbo upang pumatay ng kapwa. Parang dinaanan ng salot ang kanilang madaanan, hindi nila alam ang daan ng kapayapaan.” “Hindi sila marunong matakot sa Diyos.” Alam natin na anumang sinasabi ng Kautusan ay sinasabi sa mga nasasakop nito upang walang maidahilan ang sinuman, at dahil dito'y mananagot ang lahat sa Diyos. Walang taong mapapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, dahil ang gawain ng Kautusan ay ang ipamukha sa tao na siya'y nagkasala. Ngunit ngayo'y nahayag na kung paano pinapawalang-sala ng Diyos ang tao. Hindi ito sa pamamagitan ng Kautusan; ang Kautusan at ang mga Propeta mismo ang nagpapatotoo tungkol dito. Pinapawalang-sala ng Diyos ang lahat ng sumasampalataya kay Jesu-Cristo, sa pamamagitan ng kanilang pananalig sa kanya, maging Judio man o Hentil. Sapagkat ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. Ngunit dahil sa kanyang kagandahang-loob, sila ay pinawalang-sala na niya sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang nagpapalaya sa kanila. Siya ang inialay ng Diyos bilang handog, upang sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang kasalanan ng lahat ng sumasampalataya sa kanya. Ginawa ito ng Diyos upang patunayang siya'y matuwid. Noong unang panahon, nagtimpi siya at ipinagpaumanhin ang mga kasalanang nagawa ng mga tao. Ngunit ngayon ay tuwirang ipinapakita ng Diyos na siya'y matuwid at siya ang nagpapawalang-sala sa mga sumasampalataya kay Jesus. Kaya't ano ngayon ang ating maipagmamalaki? Wala! At bakit naman tayo magmamalaki? Dahil ba sa ating pagsunod sa Kautusan? Hindi! Kundi dahil sa ating pananampalataya kay Cristo. Kung gayon, maliwanag na sa pamamagitan lamang ng pananampalataya mapapawalang-sala ang tao, at hindi sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan. Ang Diyos ba'y Diyos lamang ng mga Judio? Hindi ba't Diyos din siya ng mga Hentil? Oo, siya'y Diyos din ng mga Hentil, sapagkat iisa lamang ang Diyos. Kapwa niya tatanggapin ang mga Judio at mga Hentil dahil sa kanilang pananampalataya sa kanya. Pinapawalang saysay ba namin ang Kautusan dahil sa pananampalatayang ito? Hinding-hindi! Sa halip, pinapagtibay pa nga namin ito. Tungkol kay Abraham na ating ninuno, ano naman ang masasabi natin? Ano ang kanyang karanasan tungkol sa bagay na ito? Kung pinawalang-sala siya ng Diyos dahil sa mga mabubuting nagawa niya, may maipagmamalaki sana siya. Ngunit wala siyang maipagmalaki sa paningin ng Diyos. Ano ang sinasabi ng kasulatan? “Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos; at dahil dito, siya ay itinuring ng Diyos bilang isang taong matuwid.” Ang ibinibigay sa taong gumagawa ay hindi itinuturing na kaloob, kundi kabayaran. Ngunit ang hindi nananalig sa sariling mga gawa kundi sumasampalataya sa Diyos na nagpapawalang-sala sa makasalanan ay itinuring na matuwid ng Diyos dahil sa kanyang pananampalataya. Kaya't tinawag ni David na mapalad ang taong itinuring na matuwid ng Diyos nang di dahil sa sarili nitong nagagawa. Sinabi niya, “Mapalad ang mga taong pinatawad na ang kasalanan, at pinatawad rin sa kanyang mga pagsalangsang. Mapalad ang taong hindi na pagbabayarin ng Panginoon sa kanyang mga kasalanan.” Ang pagpapala kayang ito'y para lamang sa mga tuli? Hindi! Ito'y para rin sa mga di-tuli. Sinasabi natin batay sa Kasulatan na itinuring na matuwid ng Diyos si Abraham dahil sa kanyang pananampalataya. Kailan iyon nangyari? Bago siya tinuli, o pagkatapos? Bago siya tinuli, at hindi pagkatapos. Tinuli siya bilang tanda na siya'y itinuring na matuwid ng Diyos, dahil sa pananampalataya niya noong hindi pa siya tuli. Kaya't siya'y naging ama ng lahat ng sumasampalataya sa Diyos, at sa gayon, sila'y pinawalang-sala rin kahit hindi sila tinuli. At siya'y ama rin ng mga tuli, hindi lamang dahil sa kanilang pagiging tuli, kundi dahil sa sila'y sumampalataya ring tulad ng ating ninunong si Abraham noong bago siya tuliin. Ipinangako ng Diyos kay Abraham at sa kanyang magiging lahi na mamanahin nila ang buong mundo, hindi dahil sa pagsunod niya sa Kautusan, kundi dahil sa siya'y itinuring na matuwid sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya sa Diyos. Kung ang pangako ay ipagkakaloob lamang sa mga sumusunod sa Kautusan, walang saysay ang pananampalataya ng tao at walang kabuluhan ang pangako ng Diyos. Ang Kautusan ay may kalakip na poot ng Diyos para sa mga lumalabag. Ngunit kung walang kautusan, wala ring paglabag. Kaya nga't sa pananampalataya nababatay ang pangako, upang ito'y maibigay bilang walang bayad na kaloob para sa lahat ng anak ni Abraham; hindi lamang sa mga saklaw ng Kautusan, kundi sa lahat ng sumasampalataya rin tulad ni Abraham. Sapagkat siya ang ama nating lahat, gaya ng nasusulat, “Ginawa kitang ama ng maraming bansa.” Ang pangakong ito'y may bisa sa harap ng Diyos na kanyang sinampalatayanan, ang Diyos na nagbibigay-buhay sa mga patay at lumilikha ng mga bagay na hindi pa nalilikha. Kahit wala nang pag-asang magkaanak, nanalig pa rin si Abraham na siya'y magiging ama ng maraming bansa, ayon sa sinabi sa kanya, “Sindami ng mga bituin ang iyong magiging lahi.” Hindi nanghina ang kanyang pananampalataya kahit uugud-ugod na siya, palibhasa'y isandaang taon na siya noon, at ang kanya namang asawang si Sara ay baog. Hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos. Sa halip, lalo siyang tumibay sa kanyang pananampalataya at nagpuri pa sa Diyos. Lubos siyang naniniwala na tutuparin ng Diyos ang ipinangako nito. Kaya't dahil sa kanyang pananampalataya, siya'y itinuring ng Diyos bilang isang taong matuwid. Ang salitang “itinuring na matuwid” ay hindi lamang para sa kanya, kundi para sa atin din naman. Tayo rin ay pawawalang-sala, kung tayo'y sumasampalataya sa Diyos na muling bumuhay kay Jesus na ating Panginoon. Siya'y ipinapatay dahil sa ating mga kasalanan at muling binuhay upang tayo'y mapawalang-sala. Sapagkat napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng ating pananampalataya, mayroon na tayong mapayapang relasyon sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Jesu-Cristo, tinamasa natin ang kagandahang-loob ng Diyos, at tayo'y nagagalak dahil sa pag-asang tayo'y makakabahagi sa kanyang kaluwalhatian. Hindi lamang iyan. Ikinagagalak din natin ang mga kahirapang ating tinitiis, dahil alam nating ito'y nagbubunga ng pagtitiyaga. At ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng katatagan, at ang katatagan naman ay nagbubunga ng pag-asa. At hindi tayo binibigo ng pag-asang ito sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos na sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Sapagkat noong tayo'y mahihina pa, namatay si Cristo sa takdang panahon para sa mga makasalanan. Mahirap mangyaring ialay ninuman ang kanyang buhay alang-alang sa isang taong matuwid, kahit na maaaring may mangahas na gumawa nito alang-alang sa isang taong mabuti. Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa. Kaya't sa pamamagitan ng kanyang dugo, tayo ngayon ay napawalang-sala, at tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos. Dati, tayo'y mga kaaway ng Diyos, ngunit tinanggap na niya tayo bilang mga kaibigan sa pamamagitan ng pagkamatay ng kanyang Anak. At dahil dito, tiyak na maliligtas tayo sapagkat si Cristo ay buháy. At hindi lamang iyan! Tayo'y nagagalak at nagpupuri sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sapagkat dahil sa kanya ay tinanggap tayo bilang mga kaibigan ng Diyos. Ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang tao, at ang kamatayan ay pumasok sa pamamagitan ng kasalanan. Dahil dito, lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao dahil ang lahat ay nagkasala. Nasa sanlibutan na ang kasalanan bago ibigay ang Kautusan, ngunit kung walang kautusan, ang kasalanan ay hindi ituturing na kasalanan. Gayunman, naghari pa rin ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises, pati sa mga taong hindi nagkasala tulad ng pagsuway ni Adan sa utos ng Diyos. Si Adan ay anyo ng isang darating. Subalit magkaiba ang dalawang ito dahil ang libreng kaloob ng Diyos ay hindi katulad ng kasalanan ni Adan. Totoong maraming tao ang namatay dahil sa kasalanan ng isang tao. Ngunit ang kagandahang-loob ng Diyos ay mas dakila, gayundin ang kanyang libreng kaloob sa maraming tao sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng isang tao, si Jesu-Cristo. Ang kaloob na ito ay higit na di hamak kaysa sa ibinunga ng pagsuway ni Adan. Sapagkat hatol na kaparusahan ang idinulot matapos na magawâ ang isang pagsuway, subalit kaloob na nagpapawalang-sala naman ang idinulot matapos magawâ ang maraming pagsuway. Sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao, naghari ang kamatayan. Ngunit sa pamamagitan din ng isang tao, si Jesu-Cristo, ang mga taong pinagpala nang sagana at itinuring na matuwid ng Diyos ay maghahari sa buhay. At kung paanong ang pagsuway ng isang tao ay nagdulot ng kaparusahan sa lahat, ang matuwid na ginawa rin ng isang tao ay nagdudulot ng kapatawaran at buhay sa lahat. Sapagkat kung ang lahat ay naging makasalanan dahil sa pagsuway ng isang tao, ang lahat ay mapapawalang-sala dahil sa pagsunod ng isa ring tao. Nang magkaroon ng Kautusan, dumami ang pagsuway; ngunit sa pagdami naman ng mga pagsuway ay lalong sumagana ang kagandahang-loob ng Diyos. Kaya nga, kung paanong naghari ang kasalanan sa pamamagitan ng kamatayan, gayundin naman maghahari ang kagandahang-loob ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapawalang-sala. Ito'y magdudulot ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Ano ngayon ang sasabihin natin? Patuloy ba tayong magkakasala upang sumagana sa atin ang kagandahang-loob ng Diyos? Hinding-hindi! Tayo'y patay na sa kasalanan, paano pa tayo mamumuhay sa pagkakasala? Hindi ba ninyo alam na tayong lahat na nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nabautismuhan sa kanyang kamatayan? Samakatuwid, tayo'y namatay na at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo upang kung paanong binuhay muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo rin ay magkaroon ng panibagong buhay. Sapagkat kung nakasama tayo ni Cristo sa isang kamatayang katulad ng kanyang kamatayan, tiyak na tayo ay makakasama rin niya sa muling pagkabuhay na katulad ng kanyang muling pagkabuhay. Alam natin na ang dati nating pagkatao ay naipako na sa krus kasama niya, upang mamatay ang ating makasalanang pagkatao at nang hindi na tayo maalipin pa ng kasalanan. Sapagkat ang namatay na ay pinalaya mula sa kapangyarihan ng kasalanan. Kung tayo'y namatay nang kasama ni Cristo, naniniwala tayong mabubuhay rin tayong kasama niya. Alam nating si Cristo nang muling binuhay ay hindi na muling mamamatay. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang kamatayan. Nang siya'y mamatay, namatay siya nang minsanan dahil sa kasalanan; at ang buhay niya ngayon ay dahil sa Diyos. Kaya dapat din ninyong ituring ang inyong sarili bilang patay na sa kasalanan ngunit buháy naman dahil sa Diyos, sapagkat kayo'y nakipag-isa na kay Cristo Jesus. Huwag na ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong mga katawang may kamatayan upang hindi na kayo maalipin ng masasamang hilig nito. Huwag na ninyong ipailalim sa kapangyarihan ng kasalanan ang alinmang bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan sa paggawa ng kasamaan. Sa halip, pasakop kayo sa Diyos bilang mga taong namatay na at muling binuhay, at ihandog ninyo sa kanya ang inyong katawan bilang kasangkapan sa kabutihan. Sapagkat hindi na dapat maghari sa inyo ang kasalanan, dahil kayo'y hindi na namumuhay sa ilalim ng kautusan kundi sa ilalim ng kagandahang-loob ng Diyos. Ngayon, malaya na ba tayong magkasala dahil hindi na tayo saklaw ng kautusan kundi ng kagandahang-loob ng Diyos? Hinding-hindi! Hindi ba ninyo alam na kapag nagpasakop kayo sa sinumang inyong sinusunod, kayo'y nagiging alipin nito, maging ito'y kasalanang hahantong sa kamatayan, o ang pagsunod sa Diyos na hahantong sa katuwiran? Ngunit salamat sa Diyos, kayong dating mga alipin ng kasalanan ay taos pusong sumunod sa aral na ibinigay sa inyo. Pinalaya na kayo sa kasalanan at kayo ngayon ay mga alipin na ng katuwiran. Gumagamit ako ng karaniwang pangungusap dahil sa inyong likas na kahinaan. Kung paanong ipinailalim ninyo noong una ang inyong sarili sa karumihan at sa kasamaang palala nang palala, ilaan ninyo ngayon ang inyong sarili bilang alipin ng katuwiran para sa mga banal na layunin. Noong alipin pa kayo ng kasalanan, hindi kayo saklaw ng katuwiran. Ano ang napala ninyo sa mga bagay na iyon na ikinahihiya ninyo ngayon? Kamatayan ang ibinubunga ng mga iyon. Ngunit ngayong pinalaya na kayo mula sa kasalanan at naging alipin na ng Diyos, ang natamo ninyo'y isang buhay na banal at ang ibinubunga nito'y buhay na walang hanggan. Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang libreng kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon. Mga kapatid, kayo'y nakakaunawa ng batas. Alam ninyong ang isang tao'y nasasakop lamang ng batas habang siya'y nabubuhay. Halimbawa, ayon sa Kautusan, ang isang babae ay nasasakop ng kanyang asawa habang nabubuhay ito. Subalit kung mamatay na ang lalaki, malaya na ang babae sa batas na nagtatali sa kanya sa lalaking iyon. Kaya nga, siya'y magkakasala ng pangangalunya kung makikisama siya sa ibang lalaki habang nabubuhay ang kanyang asawa. Ngunit kung patay na ang kanyang asawa, malaya na siya sa batas na iyon, at mag-asawa man siya sa ibang lalaki, hindi siya nagkakasala ng pangangalunya. Gayundin naman mga kapatid, namatay na kayo sa Kautusan dahil kayo'y bahagi ng katawan ni Cristo, at ngayon kayo ay kabilang na sa mga nakipag-isa sa kanya na muling binuhay, upang magbunga tayo ng mabubuting gawa para sa Diyos. Noong tayo'y namumuhay pa ayon sa ating likas na pagkatao, ang ating mga masasamang hilig na pinupukaw ng Kautusan ay nag-uudyok sa atin na gumawa ng mga bagay na hahantong sa kamatayan. Ngunit malaya na tayo ngayon mula sa Kautusan dahil namatay na tayo sa kasalanang dating umaalipin sa atin. Kaya, tayo'y naglilingkod sa Diyos hindi dahil sa lumang batas na nakasulat, kundi dahil sa bagong buhay ng Espiritu. Ang ibig bang sabihin nito'y ang Kautusan ay masama? Hinding-hindi! Kaya lamang, kundi dahil sa Kautusan ay hindi ko sana nalaman kung ano ang kasalanan. Hindi ko sana nalaman kung ano ang pag-iimbot kung hindi sinabi ng Kautusan, “Huwag mong pagnanasaang maangkin ang pag-aari ng iba.” Ngunit dahil sa kautusan, ang loob ko'y pinukaw ng kasalanan sa lahat ng uri ng kasakiman. Sapagkat walang kasalanan kung walang kautusan. Noong una, namuhay ako nang walang kautusan. Subalit nang dumating ang kautusan, nabuhay ang kasalanan at ako'y namatay. Ang kautusang dapat sanang magdulot sa akin ng buhay ay siyang nagdulot sa akin ng kamatayan. Sapagkat kinasangkapan ng kasalanan ang kautusan upang ako'y dayain, at sa gayon, ay napatay nga ako ng kasalanan. Kaya nga, banal ang Kautusan at ang bawat utos ay banal, matuwid, at mabuti. Ang ibig bang sabihin nito'y nagdulot sa akin ng kamatayan ang mabuting bagay? Hinding-hindi! Ang kasalanan ang pumatay sa akin sa pamamagitan ng mabuting bagay. Nangyari ito upang maipakita kung ano nga ang kasalanan, at upang mahayag, sa pamamagitan ng Kautusan, na ang kasalanan ay talagang napakasama. Alam nating ang Kautusan ay espirituwal, ngunit ako'y makalaman at alipin ng kasalanan. Hindi ko maunawaan ang aking sarili. Sapagkat hindi ko ginagawa ang gusto ko, sa halip ang kinasusuklaman ko ang siya kong ginagawa. Ngayon, kung ginagawa ko ang hindi ko gusto, nangangahulugang sumasang-ayon ako na mabuti nga ang Kautusan. Kung gayon, hindi na ako ang may kagagawan niyon, kundi ang kasalanang nananatili sa akin. Alam kong walang mabuting bagay na nananatili sa aking katawang makalaman. Kaya kong naisin ang mabuti, ngunit hindi ko nga lamang magawâ ang mabuting ninanais ko. Sapagkat hindi ko ginagawa ang mabuting gusto ko, ang masamang hindi ko gusto ang siya kong ginagawa. Kung ang ginagawa ko ay hindi ko nais, hindi na ako ang gumagawa nito kundi ang kasalanang nananatili sa akin. Ito ang natuklasan ko: kapag nais kong gumawa ng mabuti, ang masama ay malapít sa akin. Sa kaibuturan ng aking puso, ako'y nalulugod sa Kautusan ng Diyos. Ngunit may ibang kapangyarihan sa mga bahagi ng aking katawan na salungat sa tuntunin ng aking isip; ipinapaalipin ako ng kapangyarihang ito sa kasalanang nananatili sa aking katawan. Anong saklap ng aking kalagayan! Sino kaya ang magliligtas sa akin sa kalagayang ito na nagpapahamak sa akin? Wala nang iba pa kundi ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon! Salamat sa kanya! Ito nga ang kalagayan ko: sa aking isip, pinaglilingkuran ko ang Kautusan ng Diyos, ngunit sa aking katawang makalaman, pinaglilingkuran ko ang tuntunin ng kasalanan. Kaya nga, hindi na hahatulang maparusahan ang mga taong nakipag-isa na kay Cristo Jesus. Wala na ako sa kapangyarihan ng kasalanan at kamatayan sapagkat pinalaya na ako ng kapangyarihan ng Espiritung nagbibigay-buhay sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Ginawa ng Diyos ang hindi kayang gawin ng Kautusan dahil sa likas na kahinaan ng tao. Isinugo niya ang kanyang sariling Anak sa anyo ng taong makasalanan upang pawiin ang kasalanan. Sa gayon, hinatulan na niya ang kasalanang umaalipin sa tao. Ginawa ito ng Diyos upang ang panuntunan ng Kautusan ay matupad na sa atin na namumuhay ayon sa Espiritu at hindi ayon sa hilig ng laman. Ang mga namumuhay ayon sa hilig ng laman ay walang pinapahalagahan kundi ang mga bagay na ukol sa laman; ngunit ang mga namumuhay ayon sa Espiritu ay nagpapahalaga sa mga bagay na espirituwal. Ang pagsunod sa hilig ng laman ay naghahatid sa kamatayan, ngunit ang pagsunod sa Espiritu ay nagdudulot ng buhay at kapayapaan. Kaya nga, kapag sinusunod ng tao ang mga hilig ng laman, siya'y nagiging kaaway ng Diyos sapagkat hindi niya sinusunod ang batas ng Diyos, at talaga namang hindi niya kayang sundin ito. At ang nabubuhay ayon sa hilig ng laman ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos. Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu. Sa katunayan, nananatili na sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung wala sa isang tao ang Espiritu ni Cristo, hindi kay Cristo ang taong iyon. Ngunit dahil nananahan sa inyo si Cristo, mamatay man ang inyong mga katawan dahil sa kasalanan, ang espiritu naman ninyo ay buháy sapagkat itinuring na kayong matuwid ng Diyos. Kung nananahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Jesu-Cristo, siya ang muling bubuhay sa inyong mga katawang mamamatay, sa pamamagitan din ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo. Mga kapatid, hindi na tayo alipin ng likas na hilig ng laman kaya hindi na tayo dapat mamuhay ayon sa katawang makalaman. Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo sa katawang makalaman, ngunit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu ang mga gawa ng katawang makalaman, mabubuhay kayo. Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos. Sapagkat hindi ibinigay sa inyo ng Diyos ang Espiritu upang kayo'y gawing mga aliping namumuhay sa takot. Sa halip, ibinigay sa inyo ang Espiritu upang kayo'y gawing mga anak ng Diyos, kaya nakatatawag tayo sa kanya ng “Ama, Ama ko!” Ang Espiritu ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Diyos. At yamang mga anak, tayo'y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo. Sapagkat kung tayo'y kasama niya sa pagtitiis, tayo'y makakasama niya sa kanyang kaluwalhatian. Para sa akin, ang mga pagtitiis natin sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin balang araw. Sapagkat nanabik ang sangnilikha na ihayag ng Diyos ang kanyang mga anak. Nabigo ang sangnilikha, hindi dahil sa kagustuhan nito, kundi dahil itinulot iyon ng Diyos. Gayunman, nagbigay rin siya ng pag-asa na ang lahat ng nilikha ay pinalaya ng Diyos upang hindi na ito mabulok, at upang makabahagi ito sa maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos. Alam nating hanggang ngayo'y dumaraing ang sangnilikha dahil sa matinding hirap na tulad ng isang nanganganak. At hindi lamang ito, kundi tayong mga tumanggap na ng Espiritu bilang unang kaloob ng Diyos ay dumaraing din habang hinihintay natin ang paghahayag ng ating pagiging mga anak ng Diyos at ang paglaya ng ating mga katawan. Naligtas tayo dahil sa pag-asang ito. Ngunit hindi iyon matatawag na pag-asa kung nakikita na natin ang ating inaasahan. Sapagkat sinong tao ang aasa pa kung ito'y nakikita na niya? Ngunit kung umaasa tayo sa hindi natin nakikita, hinihintay natin iyon nang buong tiyaga. Gayundin naman, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan. Hindi tayo marunong manalangin nang wasto, kaya't ang Espiritu ang dumaraing para sa atin, sa paraang di natin kayang sambitin. At ang Diyos na siyang nakakasaliksik sa puso ng tao, ang siyang nakakaalam kung ano ang kalooban ng Espiritu, sapagkat ang Espiritu ang namamagitan para sa mga hinirang, ayon sa kalooban ng Diyos. Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa kanya, silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin. Sapagkat sa mula't mula pa'y alam na ng Diyos kung sino ang magiging kanya at ang mga ito'y pinili niya upang maging tulad ng kanyang Anak. Sa gayon, ang Anak ang naging panganay sa lahat ng maraming magkakapatid. Ang mga pinili niya noon pang una ay kanyang tinawag; at ang mga tinawag ay kanya ring pinawalang-sala, at ang mga pinawalang-sala ay kanyang binahaginan ng kanyang kaluwalhatian. Ano pa ang masasabi natin tungkol dito? Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang makakalaban sa atin? Kung ang sarili niyang Anak ay hindi niya ipinagkait, sa halip ay ibinigay para sa ating lahat, hindi kaya niya ibibigay sa atin ang lahat ng bagay? Sino ang makakapagharap ng paratang laban sa mga hinirang ng Diyos, gayong ang Diyos ang nagpapawalang-sala sa kanila? Sino ang hahatol na sila'y parusahan? Si Cristo Jesus na pinatay, ngunit higit sa lahat ay muling binuhay, ngayon ay nasa kanan ng Diyos upang mamagitan para sa atin. Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kaguluhan kaya, ang kapighatian, pag-uusig, pagkagutom, kahirapan, panganib, o kamatayan? Ayon sa nasusulat, “Dahil po sa inyo'y buong araw kaming pinapatay, turing nila sa amin ay mga tupang pangkatay.” Hindi! Sa lahat ng mga ito, tayo'y siguradong magtatagumpay sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan, ang buhay, ang mga anghel, ang mga pamunuan o ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, ang kataasan, ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon. Ako'y nagsasabi ng totoo sapagkat ako'y tagasunod ni Cristo. Hindi ako nagsisinungaling. Ang aking budhi, sa patnubay ng Espiritu Santo, ay nagpapatunay na nagsasabi ako ng totoo. Matindi ang aking kalungkutan at di mapawi ang pagdaramdam ng aking puso, dahil sa mga kalahi kong Judio. Mas mamatamisin ko pang ako'y sumpain at mawalay kay Cristo, kung ito'y sa ikabubuti nila. Sila'y mga Israelita na binigyan ng Diyos ng karapatang maging mga anak niya. Ipinakita rin niya sa kanila ang kanyang kaluwalhatian. Sa kanila nakipagtipan ang Diyos. Sa kanila rin ibinigay ang Kautusan, ang tunay na pagsamba, at ang kanyang mga pangako. Sa kanila rin nagmula ang mga patriyarka, at tungkol sa kanyang pagiging tao, si Cristo ay nagmula sa kanilang lahi. Ang Kataas-taasang Diyos ay purihin magpakailanman! Amen. Hindi nangangahulugang nawalan na ng kabuluhan ang salita ng Diyos, sapagkat hindi lahat ng mga Israelita ay kabilang sa bayang pinili niya. At hindi rin naman ibinibilang na anak ni Abraham ang lahat ng nagmula sa kanya. Ganito ang sinabi ng Diyos, “Ang magmumula lamang kay Isaac ang ibibilang na lahi mo.” Kaya nga, hindi lahat ng anak ni Abraham ay ibinibilang na anak ng Diyos, kundi iyon lamang mga ayon sa pangako ng Diyos. Sapagkat ganito ang pangako, “Babalik ako sa isang taon, sa ganito ring panahon, at magkakaanak ng isang lalaki si Sara.” At hindi lamang iyon. Kahit na iisa lamang ang ama ng dalawang anak ni Rebecca, na walang iba kundi ang ating ninunong si Isaac, Ayon nga sa nasusulat, “Minahal ko si Jacob, at kinapootan ko si Esau.” Masasabi ba nating hindi makatarungan ang Diyos dahil dito? Hinding-hindi! Sapagkat ganito ang sabi niya kay Moises, “Mahahabag ako sa nais kong kahabagan at maaawa ako sa nais kong kaawaan.” Maliwanag kung gayon, na ang pasya ng Diyos ay nababatay sa kanyang habag, at hindi sa kagustuhan o pagsisikap ng tao. Sapagkat ayon sa kasulatan ay sinabi niya sa hari ng Egipto, “Ginawa kitang hari upang sa pamamagitan mo'y maipakita ko ang aking kapangyarihan, at maipahayag ang aking pangalan sa buong daigdig.” Kaya nga't kinahahabagan ng Diyos ang sinumang nais niyang kahabagan, at nagiging manhid ang nais niyang maging manhid. Sasabihin mo naman sa akin, “Kung gayon, bakit pa sinisisi ng Diyos ang tao? Sino ba ang makakasalungat sa kanyang kalooban?” Tao ka lamang, sino kang mangangahas na sumagot nang ganoon sa Diyos? Masasabi kaya ng isang hinuhubog sa kanyang manghuhubog, “Bakit ninyo ako ginawang ganito?” Wala bang karapatan ang gumagawa ng palayok na bumuo ng mamahalin o mumurahing sisidlan mula sa iisang tumpok ng putik? Kaya, kahit nais nang ipakita noon ng Diyos ang kanyang poot at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, buong tiyaga pa rin niyang pinagtiisan ang mga taong dapat sana'y parusahan at lipulin. Ginawa niya iyon upang ipakilala ang kanyang walang kapantay na kadakilaan sa mga taong kanyang kinahabagan, na noong una pa'y inihanda na niya para sa kaluwalhatian. Tayo ang mga taong iyon na tinawag niya hindi lamang mula sa mga Judio subalit mula rin sa mga Hentil. Ganito ang sinasabi niya sa aklat ni Oseas, “Ang dating hindi ko bayan ay tatawaging ‘Bayan ko,’ at ang dating hindi ko mahal ay tatawaging ‘Mahal ko.’ At sa mga sinabihang ‘Kayo'y hindi ko bayan,’ sila'y tatawaging mga anak ng Diyos na buháy.” Ito naman ang ipinahayag ni Isaias tungkol sa Israel, “Kahit na maging kasindami ng buhangin sa dagat ang bilang ng mga anak ni Israel, kaunti lamang sa kanila ang maliligtas. Sapagkat mahigpit at mabilis na hahatulan ng Panginoon ang daigdig.” Si Isaias din ang nagsabi, “Kung ang Makapangyarihang Panginoon ay hindi nagtira ng ilan sa ating lahi, tayo sana'y natulad sa Sodoma at Gomorra.” Ano ngayon ang masasabi natin? Ang mga Hentil na hindi nagsikap na maging kalugud-lugod sa Diyos ay pinawalang-sala niya sa pamamagitan ng pananampalataya. Ngunit ang Israel naman, na nagsikap na maging kalugud-lugod sa Diyos sa pamamagitan ng kautusan, ay nabigo. Bakit? Dahil sinikap nilang kalugdan sila ng Diyos sa pamamagitan ng mga gawa, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya. Natisod sila sa batong katitisuran, tulad ng nasusulat, “Tingnan ninyo, naglalagay ako sa Zion ng batong katitisuran, isang malaking bato na kanilang kadadapaan. Ngunit ang sumasampalataya sa batong ito ay di mabibigo.” Mga kapatid, ang pinakananais ko at idinadalangin sa Diyos ay ang maligtas ang Israel. Sapagkat saksi akong sila'y nagsisikap na maging kalugud-lugod sa Diyos. Mali nga lamang ang kanilang naging batayan. Dahil hindi nila kinilala ang katuwirang mula sa Diyos, at nagsisikap silang gumamit ng sarili nilang pamamaraan; hindi sila sumunod sa pamamaraang itinakda ng Diyos. Sapagkat si Cristo ang kaganapan ng Kautusan, upang mapawalang-sala ang sinumang sumasampalataya sa kanya. Ganito ang isinulat ni Moises tungkol sa pagiging matuwid batay sa Kautusan, “Ang tumutupad sa Kautusan ay mabubuhay ayon dito.” Ngunit ganito naman ang sinasabi tungkol sa pagiging matuwid batay sa pananampalataya, “Huwag mong sabihin sa iyong sarili, ‘Sino ang aakyat sa langit?’” na para bang nais pababain si Cristo. “Huwag mo ring sabihin, ‘Sino ang bababâ sa kailaliman?’” na para bang nais pabangunin si Cristo mula sa mga libingan. Sapagkat ganito ang sinasabi, “Malapit sa iyo ang kautusan, nasa iyong mga labi at nasa iyong puso.” Ang tinutukoy dito'y ang salitang ipinapangaral namin tungkol sa pananampalataya. Kung ipahahayag ng iyong labi na si Jesus ay Panginoon at buong puso kang sasampalataya na siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka. Sapagkat sumasampalataya ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso at sa gayon ay pinapawalang-sala ng Diyos. Nagpapahayag naman siya sa pamamagitan ng kanyang labi at sa gayon ay naliligtas. Sinabi nga ng kasulatan, “Walang sinumang sumasampalataya sa kanya ang mapapahiya.” Kaya't walang pagkakaiba ang katayuan ng Judio at ng Hentil. Iisa ang Panginoon ng lahat at siya'y masaganang nagbibigay sa lahat ng tumatawag sa kanya, dahil sinasabi sa kasulatan, “Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa Panginoon.” Paano naman sila tatawag sa kanya kung hindi sila sumasampalataya? Paano sila sasampalataya kung wala pa silang napakinggan tungkol sa kanya? Paano naman sila makakapakinig kung walang mangangaral sa kanila? At paanong makakapangaral ang sinuman kung hindi siya isinugo? Tulad ng nasusulat, “O kay gandang pagmasdan ang pagdating ng mga may dalang Magandang Balita!” Ngunit hindi lahat ay tumanggap sa Magandang Balita, gaya ng sinulat ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming mensahe?” Kaya't ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig, at ang pakikinig naman ay bunga ng pangangaral tungkol kay Cristo. Subalit ang tanong ko'y ganito: Hindi kaya sila nakapakinig? Oo, sila'y nakapakinig! Sapagkat nasusulat, “Abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig, balita ay umaabot hanggang sa dulo ng daigdig.” Ito pa ang isa kong tanong: Hindi kaya nakaunawa ang bansang Israel? Noon pa man ay sinabi na ni Moises, “Gagamitin ko ang mga taong di man lamang isang bansa upang kayo'y inggitin, gagamitin ko ang isang bansang hangal upang kayo'y galitin.” Buong tapang namang ipinahayag ni Isaias, “Natagpuan ako ng mga hindi naghahanap sa akin. Nagpahayag ako sa mga hindi nag-uusisa tungkol sa akin.” Subalit tungkol naman sa Israel ay sinabi niya, “Buong maghapong nakaunat ang aking mga kamay sa isang bansang suwail at rebelde!” Ito ngayon ang tanong ko: Itinakwil na nga kaya ng Diyos ang kanyang sariling bayan? Hinding-hindi! Ako'y isang Israelita rin, mula sa lahi ni Abraham at kabilang sa lipi ni Benjamin. Hindi itinakwil ng Diyos ang kanyang bayan na sa simula pa'y pinili na niya. Hindi ba ninyo alam ang sinasabi ng kasulatan tungkol kay Elias? Dumaing siya sa Diyos laban sa Israel. Sinabi niya, “Panginoon, pinatay nila ang iyong mga propeta at giniba ang iyong mga altar. Ako na lamang ang natitira, at gusto pa nila akong patayin!” Ngunit ano ang sagot sa kanya ng Diyos? “Nagtira ako ng pitong libong lalaking hindi sumamba sa diyus-diyosang si Baal.” Ganoon din sa kasalukuyan; mayroon pang nalalabing mga hinirang ng Diyos dahil sa kanyang kagandahang-loob. At kung iyon ay dahil sa kanyang kagandahang-loob, maliwanag na iyon ay hindi dahil sa gawa, sapagkat kung ang ginawa ng tao ang siyang batayan, hindi na iyon masasabing kagandahang-loob. Ano ngayon? Hindi nakamtan ng bansang Israel ang kanyang minimithi. Ang mga hinirang lamang ang nagkamit nito dahil matigas ang ulo ng iba. Tulad ng nasusulat: “Binigyan sila ng Diyos ng mapurol na diwa, mga matang hindi makakita at mga taingang hindi makarinig, hanggang sa panahong ito.” At sinabi rin ni David, “Maging bitag at patibong nawa ang kanilang pagpipista, isang katitisuran at parusa sa kanila. Lumabo nawa ang kanilang mata nang hindi sila makakita, at sila'y makuba sa hirap habang buhay.” Ito naman ang tanong ko ngayon: Ang pagkatisod ba nila ay upang sila'y tuluyan nang mawasak? Hinding-hindi! Sa halip, dahil sa kanilang kasalanan, ang kaligtasan ay nakarating sa mga Hentil upang mainggit ang mga Israelita sa mga ito. Ngayon, kung ang kasalanan ng mga Israelita ay nagdulot ng masaganang pagpapala sa sanlibutan, at kung ang kanilang pagbagsak ay nagdulot ng masaganang pagpapala sa mga Hentil, gaano pa kaya kapag nagbalik loob sa Diyos ang buong Israel! Ito naman ang sasabihin ko sa inyo, mga Hentil. Dahil ako'y apostol ninyo, ipinagmamalaki ko ang aking tungkulin. Ginagawa ko ito upang inggitin ang aking mga kababayang Judio, at nang sa gayon ay maligtas kahit ang ilan sa kanila. Kung ang pagkatakwil sa kanila ay naging daan upang maibalik sa Diyos ang sanlibutan, ang muling pagtanggap sa kanila ng Diyos ay matutulad sa muling pagkabuhay ng patay! Kung banal ang unang tinapay mula sa masa ng harina, gayundin ang buong masa. At kung ang ugat ng punongkahoy ay banal, gayundin ang mga sanga nito. Kung pinutol ang ilang sanga ng punong olibo, at ikaw na sanga ng olibong ligaw ang idinugtong sa puno upang makabahagi sa buhay na nanggagaling sa ugat ng punong ito, huwag kang magmalaki sa mga sangang pinutol. Alalahanin mong hindi ikaw ang bumubuhay sa mga ugat; ang mga ugat ang bumubuhay sa iyo. Sasabihin mo naman, “Pinutol ang mga sanga upang ako'y maidugtong.” Totoo iyan. Pinutol sila dahil hindi sila sumampalataya sa Diyos, at ikaw naman ay idinugtong dahil sumampalataya ka sa kanya. Kaya't huwag kang magmalaki, sa halip ay matakot ka. Sapagkat kung ang mga tunay na sanga ay hindi pinanghinayangan ng Diyos, ikaw pa kaya ang panghinayangan niya? Dito'y makikita natin ang kabutihan at kabagsikan ng Diyos. Naging mabagsik siya sa mga hindi sumasampalataya sa kanya, subalit mabuti siya sa inyo, kung mananatili kayo sa kanyang kabutihan. Kung hindi, kayo ma'y puputulin din. Ang mga Judio'y idudugtong niyang muli sa puno kung sila ay sasampalataya, sapagkat kayang gawin iyon ng Diyos. Kung ikaw na sangang galing sa olibong ligaw ay naidugtong sa tunay na olibo, kahit na salungat ang ganoon sa takbo ng kalikasan, lalo pang madaling idugtong sa puno ang mga tunay na sanga nito. Mga kapatid, isang hiwaga ang nais kong malaman ninyo upang hindi maging mataas ang palagay ninyo sa inyong sarili. Ang pagmamatigas ng Israel ay pansamantala. Tatagal lamang iyon hanggang sa mabuo na ang takdang bilang ng lahat ng mga Hentil na lalapit sa Diyos. Kapag nangyari iyon, maliligtas ang buong Israel; tulad ng nasusulat: “Magmumula sa Zion ang Tagapagligtas. Papawiin niya ang kasamaan sa lahi ni Jacob. At ito ang gagawin kong kasunduan namin kapag pinawi ko na ang kanilang mga kasalanan.” Dahil tinanggihan ng mga Israelita ang Magandang Balita, sila'y naging kaaway ng Diyos, at kayong mga Hentil ang nakinabang. Ngunit dahil sa sila ang mga hinirang ng Diyos, sila'y mahal pa rin niya, alang-alang sa kanilang mga ninuno. Sapagkat hindi nagbabago ng isip ang Diyos tungkol sa kanyang mga kaloob at pagtawag. Noon, kayong mga Hentil ay hindi sumusunod sa Diyos, ngunit ngayon, kayo ay tumanggap ng habag ng Diyos nang sumuway ang mga Judio. Gayundin naman, dahil sa habag ng Diyos na inyong naranasan, sinusuway naman ngayon ng mga Judio ang Diyos, nang sa gayo'y maranasan din nila ngayon ang kanyang habag. Sapagkat hinayaan ng Diyos na maalipin sa pagsuway ang lahat ng tao upang maipadama niya sa kanila ang kanyang habag. Lubhang napakasagana ng kayamanan ng Diyos! Di matarok ang kanyang karunungan at kaalaman! Sino ang makakapagpaliwanag ng kanyang mga kapasyahan? Sino ang makakaunawa ng kanyang mga pamamaraan? Gaya ng nasusulat, “Sino ang nakakaalam sa pag-iisip ng Panginoon? Sino ang maaaring maging tagapayo niya? Sino ang nakapagbigay ng anuman sa kanya na dapat niyang bayaran?” Sapagkat ang lahat ng bagay ay mula sa kanya, sa pamamagitan niya, at pag-aari niya. Sa kanya ang karangalan magpakailanman! Amen. Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako'y nakikiusap na ialay ninyo ang inyong sarili bilang isang handog na buháy, banal at kalugud-lugod sa Diyos. Ito ang karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos. Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kalooban ng Diyos; kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban niya. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin, sinasabi ko sa bawat isa sa inyo, huwag ninyong pahalagahan ang inyong sarili nang higit sa nararapat. Sa halip, pakaisipin ninyong mabuti ang tunay ninyong katayuan ayon sa sukat ng pananampalatayang ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa sa inyo. Kung paanong ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi, at magkakaiba ng gawain ang bawat isa, gayundin naman, kahit na tayo'y marami, nabubuo tayo sa iisang katawan ni Cristo, at tayong lahat ay bahagi ng isa't isa. Tumanggap tayo ng iba't ibang kaloob ayon sa kagandahang-loob ng Diyos, kaya't gamitin natin ang mga kaloob na iyan. Kung ang ating kaloob ay pagsasalita ng pahayag mula sa Diyos, magpahayag tayo ayon sa sukat ng ating pananampalataya. Kung paglilingkod ang ating kaloob, maglingkod tayo. Magturo ang tumanggap ng kaloob sa pagtuturo. Magpalakas ng loob ang may kaloob sa pagpapalakas ng loob. Kung pagbibigay ang inyong kaloob, magbigay kayo nang buong puso; kung pamumuno naman, mamuno kayo nang buong sikap. Kung pagkakawanggawa ang inyong kaloob, gawin ninyo iyan nang buong galak. Maging tunay ang inyong pagmamahalan. Kasuklaman ninyo ang masama at pakaibigin ang mabuti. Magmahalan kayo bilang tunay na magkakapatid at pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo. Magpakasipag kayo at huwag maging tamad. Buong puso kayong maglingkod sa Panginoon. Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa, magtiyaga kayo sa inyong kapighatian at palaging manalangin. Tumulong kayo sa pangangailangan ng mga kapatiran at patuluyin ninyo ang mga taga-ibang lugar. Idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo; idalangin ninyo sila at huwag sumpain. Makigalak kayo sa mga nagagalak, at makitangis sa mga tumatangis. Magkaisa kayo ng saloobin. Huwag kayong magmayabang, sa halip ay makisama kayo kahit sa mga dukha. Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama. Sikapin ninyong mamuhay nang marangal. Hangga't maaari, makisama kayo nang mapayapa sa lahat ng tao. Mga minamahal, huwag kayong maghihiganti; ipaubaya ninyo iyon sa Diyos. Sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.” Subalit, “Kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kung nauuhaw, painumin mo; sa gayon ay magbubunton ka ng mga baga sa kanyang ulo.” Huwag kayong magpadaig sa masama, kundi daigin ninyo ng mabuti ang masama. Ang bawat tao'y dapat pasakop sa mga pinuno ng pamahalaan, sapagkat walang pamahalaang hindi mula sa Diyos, at ang Diyos ang nagtatag ng mga pamahalaang umiiral. Kaya nga, ang lumalaban sa pamahalaan ay lumalaban sa itinakda ng Diyos; at sila'y paparusahan. Ang mga pinuno ay hindi dapat katakutan ng taong gumagawa ng mabuti. Ang mga gumagawa lamang ng masama ang dapat matakot. Kung ayaw mong matakot sa mga namumuno, gumawa ka ng mabuti, at pararangalan ka nila. Sila'y mga lingkod ng Diyos para sa ikabubuti mo. Ngunit kung gumagawa ka ng masama, dapat kang matakot dahil sila'y may kapangyarihang magparusa. Sila'y mga lingkod ng Diyos, na nagpaparusa sa mga gumagawa ng masama. Kaya nga, dapat kayong pasakop sa kanila, hindi lamang upang hindi kayo maparusahan, kundi alang-alang na rin sa inyong budhi. Iyan din ang dahilan kung bakit kayo nagbabayad ng buwis. Ang mga pinuno ng pamahalaan ay mga lingkod ng Diyos at ito ang kanilang tungkulin. Ibigay ninyo sa bawat isa ang nararapat sa kanya. Magbayad kayo sa mga dapat bayaran at magbigay kayo ng buwis sa dapat buwisan; igalang ninyo ang dapat igalang at parangalan ninyo ang dapat parangalan. Huwag kayong magkakaroon ng utang kaninuman, maliban sa saguting magmahalan sa isa't isa, sapagkat ang nagmamahal sa kapwa ay tumutupad sa Kautusan. Ang mga utos gaya ng, “Huwag kang mangangalunya; huwag kang papatay; huwag kang magnanakaw; huwag mong pagnanasaang maangkin ang pag-aari ng iba;” at alinmang utos na tulad ng mga ito ay nauuwing lahat sa iisang utos, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman, kaya't ang pag-ibig ang siyang katuparan ng Kautusan. Gawin ninyo ito, dahil alam ninyong panahon na upang gumising kayo. Ang pagliligtas sa atin ay higit nang malapit ngayon kaysa noong tayo'y unang sumampalataya sa Panginoon. Namamaalam na ang gabi at malapit nang lumiwanag. Layuan na natin ang lahat ng masasamang gawain at italaga natin ang sarili sa paggawa ng mabuti. Mamuhay tayo sa liwanag at huwag gugulin ang panahon sa magulong pagsasaya at paglalasing, kalaswaan at kahalayan, sa alitan at inggitan. Ang Panginoong Jesu-Cristo ang paghariin ninyo sa inyong buhay at huwag ninyong sundin ang mga hilig ng laman. Tanggapin ninyo ang mahihina sa pananampalataya, at huwag hatulan ang kanilang pananampalataya. May naniniwalang maaari siyang kumain ng anuman, ngunit gulay ang kinakain ng mahina sa pananampalataya. Huwag hamakin ng taong kumakain ng anuman ang taong kumakain ng gulay lamang. At huwag namang hatulan ng kumakain ng gulay lamang ang taong kumakain ng anuman, sapagkat siya'y tinatanggap din ng Diyos. Sino ka upang humatol sa lingkod ng iba? Ang panginoon lamang niya ang makahahatol kung siya'y karapat-dapat o hindi. At aariin naman siyang karapat-dapat sapagkat kayang gawin iyon ng Panginoon. May nagpapahalaga sa isang araw nang higit kaysa ibang mga araw. May naniniwala namang pare-pareho ang lahat ng araw. Dapat tiyakin ng bawat isa na tama ang kanyang pasya tungkol sa bagay na ito. Ang nagpapahalaga sa isang araw ay nagpapahalaga rito alang-alang sa Panginoon. Ang kumakain ng anuman ay kumakain niyon alang-alang sa Panginoon, sapagkat nagpapasalamat siya sa Diyos. Iyon namang hindi kumakain ng ilang uri ng pagkain ay gumagawa ng ganoon alang-alang din sa Panginoon, at nagpapasalamat din siya sa Diyos. Walang sinuman sa atin ang nabubuhay o namamatay para sa kanyang sarili lamang. Kung tayo'y nabubuhay, sa Panginoon tayo nabubuhay; at kung tayo'y namamatay, sa Panginoon tayo namamatay. Kaya nga, sa mabuhay o sa mamatay, tayo'y sa Panginoon. Sapagkat si Cristo ay namatay at muling nabuhay upang maging Panginoon ng mga patay at ng mga buháy. Ngunit ikaw, bakit mo hinahatulan ang iyong kapatid? At ikaw naman, bakit mo hinahamak ang iyong kapatid? Tayong lahat ay haharap sa hukuman ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Sabi ng Panginoon, ‘Dahil ako'y buháy, ang lahat ay luluhod sa harap ko, at ang bawat dila'y magpupuri sa Diyos.’” Kaya, pananagutan natin sa Diyos ang mga bagay na ating ginagawa. Huwag na nating hatulan ang isa't isa. Huwag na rin tayong maging dahilan ng pagkakasala ng ating kapatid. Dahil sa aking pakikipag-isa sa Panginoong Jesus, natitiyak kong walang anumang likas na marumi. Kung sinuman ang naniniwalang marumi ang anumang bagay, marumi nga iyon sa kanya. Kaya, kung dahil sa kinakain mo ay natitisod ang iyong kapatid, hindi na ayon sa pag-ibig ang ginagawa mo. Huwag mong ipahamak ang taong tinubos ng kamatayan ni Cristo dahil sa iyong kinakain. Pag-ingatan mong ang inaakala mong tama ay huwag masamain ng iba. Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay hindi tungkol sa pagkain o inumin; ito ay tungkol sa katuwiran, kapayapaan, at kagalakan na kaloob ng Espiritu Santo. Ang naglilingkod kay Cristo nang may ganitong kaisipan ay kinalulugdan ng Diyos at iginagalang ng mga tao. Kaya't pagsikapan nating gawin ang mga bagay na makakapagdulot ng kapayapaan at makakapagpatibay ng pananampalataya ng isa't isa. Huwag ninyong sirain ang gawain ng Diyos dahil lamang sa pagkain. Lahat ng pagkain ay malinis at maaaring kainin. Ngunit hindi mabuti na magkakasala ang iba dahil sa iyong kinakain. Mabuti ang huwag nang kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anumang magiging sanhi ng pagkakasala ng iyong kapatid. Ikaw na lamang at ang Diyos ang dapat makaalam ng iyong paniniwala tungkol sa bagay na ito. Mapalad ang taong di sinusumbatan ng kanyang budhi kapag ginagawa niya ang mga bagay na pinaniniwalaan niyang tama. Ngunit ang sinumang kumakain sa kabila ng kanyang pag-aalinlangan ay nagkakasala, sapagkat hindi siya nagiging tapat sa kanyang paniniwala. Kasalanan ang paglabag sa sariling paniniwala. Tayong malalakas sa pananampalataya, tulungan natin ang mga mahihina sa pananampalataya. Huwag ang pansariling kasiyahan lamang ang ating iisipin. Sikapin nating lahat na itaguyod ang kapakanan ng ating kapwa para sa ikalalakas ng kanyang pananampalataya. Sapagkat maging si Cristo man ay hindi naghangad ng sariling kasiyahan subalit nagpaubaya; tulad ng nasusulat, “Ako ang nakaranas, paghamak sa iyong pangalan.” Anumang naisulat noon ay isinulat para sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa pagpapalakasan ng loob mula sa kasulatan, magkaroon tayo ng pag-asa. Ipagkaloob nawa ng Diyos, na siyang nagbibigay sa atin ng katatagan at lakas ng loob, na kayo'y mamuhay nang may pagkakaisa kay Cristo Jesus, upang sa gayon, nagkakaisa kayong magpupuri sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Kung paanong kayo'y malugod na tinanggap ni Cristo, tanggapin ninyo ang isa't isa upang mapapurihan ang Diyos. Sinasabi ko sa inyo, si Cristo'y naglingkod sa mga Judio upang patunayang ang Diyos ay tapat, at tumutupad sa mga pangako niya sa kanilang mga ninuno, at upang ang mga Hentil naman ay magpuri sa Diyos dahil sa kanyang habag. Tulad ng nasusulat, “Kaya't sa gitna ng mga Hentil, ika'y aking pupurihin, ang karangalan mo'y aking aawitin, ang iyong pangalan, aking sasambahin.” Sinabi rin, “Magalak kayo mga Hentil, kasama ng kanyang bayan!” At muling sinabi, “Magpuri kayo sa Panginoon, kayong mga Hentil, lahat ng bansa ay magpuri sa kanya!” Idinagdag pa ni Isaias, “May isisilang sa angkan ni Jesse, upang ito'y maghari sa mga Hentil; siya ang kanilang magiging pag-asa.” Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Mga kapatid, lubos akong naniniwalang kayo mismo ay puspos ng kabutihan at may sapat na kaalaman, kaya't matuturuan na ninyo ang isa't isa. Gayunman, sa sulat na ito'y naglakas-loob akong paalalahanan kayo tungkol sa ilang bagay. Ginawa ko ito dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin upang maging lingkod ni Cristo Jesus bilang pari sa mga Hentil. Ipinapangaral ko sa kanila ang Magandang Balita ng Diyos upang sila'y maging handog na kalugud-lugod sa kanya, dahil sila ay ginawang banal na ng Espiritu Santo. Kaya't sa mga gawaing patungkol sa Diyos, ang aking ipinagmamalaki ay si Cristo Jesus. Wala akong pinapangahasang ipagmalaki kundi ang ginawa ni Cristo upang maakit ang mga Hentil na sumunod sa Diyos sa pamamagitan ko, sa pamamagitan ng aking mga salita at gawa, sa tulong ng mga himala at mga kababalaghan, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos. Kaya't mula sa Jerusalem hanggang sa Ilirico, ipinangaral ko ang Magandang Balita tungkol kay Cristo. Ang hangad ko'y ipangaral ito sa mga lugar na wala pang alam tungkol kay Cristo, upang hindi ako magtayo sa pundasyon ng iba. Subalit tulad ng nasusulat, “Makakakilala ang hindi pa nakakabalita tungkol sa kanya. Makakaunawa ang hindi pa nakakarinig tungkol sa kanya.” Iyan ang dahilan kung bakit hindi ako matuluy-tuloy sa pagpunta sa inyo. Ngunit ngayong tapos na ang gawain ko sa lupaing ito, at dahil matagal ko na ring gustong pumunta riyan, inaasahan kong magkikita-kita tayo pagdaan ko riyan papuntang Espanya. Inaasahan ko ring ako'y tutulungan ninyong makarating doon matapos nating magkasama-sama nang sandaling panahon. Ngunit sa ngayon ay pupunta muna ako sa Jerusalem upang dalhin ang tulong sa mga kapatid roon. Sapagkat minabuti ng mga taga-Macedonia at taga-Acaya na magpadala ng tulong para sa mga mahihirap na kapatid sa Jerusalem. Malugod nilang ginawa iyon, at talaga namang dapat nilang gawin. Dahil ang mga Hentil ay nakabahagi sa mga pagpapalang espirituwal ng mga Judio, marapat lamang na bahaginan nila ang mga Judio sa pamamagitan ng mga pagpapalang materyal. Kaya't pagkabigay ko ng nasabing tulong sa mga kapatid sa Jerusalem, daraan ako riyan pagpunta ko sa Espanya. Naniniwala akong pagpunta ko riyan ay taglay ko ang masaganang pagpapala ni Cristo. Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo, alang-alang sa ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pag-ibig ng Espiritu, tulungan ninyo ako sa pamamagitan ng inyong taimtim na pananalangin para sa akin. Idalangin ninyong maligtas ako mula sa mga taga-Judea na ayaw sumampalataya, at nawa'y tanggapin ng mga kapatid sa Jerusalem ang paglilingkod ko para sa kanila. Sa gayon, kung loloobin ng Diyos, masaya akong makakarating diyan at makakapagpahinga sa inyong piling. Sumainyo nawa ang Diyos na pinagmumulan ng kapayapaan. Amen. Itinatagubilin ko sa inyo ang ating kapatid na si Febe, na isang tagapaglingkod ng iglesya sa Cencrea. Tanggapin ninyo siya alang-alang sa Panginoon, gaya ng nararapat nating gawin bilang magkakapatid. Tulungan ninyo siya sa anumang pangangailangan niya sapagkat marami siyang natulungan, at ako'y isa sa mga iyon. Ikumusta ninyo ako kina Priscila at Aquila na mga kamanggagawa ko kay Cristo Jesus. Itinaya nila ang kanilang sarili sa panganib upang iligtas ang aking buhay, at hindi lamang ako ang nagpapasalamat sa kanila, pati na rin lahat ng iglesya ng mga Hentil. Ikumusta rin ninyo ako sa iglesyang nagtitipon sa kanilang bahay. Ipaabot din ninyo ang aking pangungumusta sa mahal kong kaibigang si Epeneto na siyang unang sumampalataya kay Cristo doon sa Asia. Ikumusta ninyo ako kay Maria na matiyagang naglilingkod para sa inyo. Ikumusta ninyo ako sa mga kababayan kong sina Andronico at Junia, na nakasama ko sa bilangguan; sila'y kilala ng mga apostol at naunang naging Cristiano kaysa sa akin. Ikumusta ninyo ako kay Ampliato na aking minamahal sa Panginoon, kay Urbano, na kamanggagawa natin kay Cristo, at sa mahal kong kaibigang si Estaquis. Ikumusta din ninyo ako kay Apeles na subok ang katapatan kay Cristo, sa pamilya ni Aristobulo, sa kababayan kong si Herodion, at sa mga kapatid sa Panginoon sa sambahayan ni Narciso. Gayundin kina Trifena at Trifosa na mga lingkod ng Panginoon, at sa mahal kong kaibigang si Persida, na tapat na naglingkod sa Panginoon. Binabati ko rin si Rufo na magiting na lingkod ng Panginoon, at ang kanyang ina na para ko na ring ina; gayundin sina Asincrito, Flegonte, Hermes, Patrobas, Hermas, at sa mga kapatid na kasama nila. Binabati ko rin sina Filologo, Julia, Nereo at ang kanyang kapatid na babae; gayundin si Olimpas at sa lahat ng kapatid na kasama nila. Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Cristo. Binabati kayo ng lahat ng mga iglesya ni Cristo. Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo: mag-ingat kayo sa mga pasimuno ng mga pagkakampi-kampi at sanhi ng pagtalikod dahil sa pagsalungat nila sa mga aral na tinanggap ninyo. Iwasan ninyo sila. Ang mga taong gayon ay hindi naglilingkod para kay Cristo na Panginoon natin, kundi para sa pansariling hangarin. Inililigaw nila ang mga may mahinang pag-iisip sa pamamagitan ng kaakit-akit at matatamis na pangungusap. Kahit na balitang-balita ang inyong pagkamasunurin kay Cristo, nais kong maging matalino kayo tungkol sa mga bagay na mabuti, at maging mangmang sa mga bagay na masama. Ang Diyos ang bukal ng kapayapaan. Malapit na niyang pasukuin sa inyo si Satanas. Pagpalain kayo ng ating Panginoong Jesus. Binabati kayo ni Timoteo na aking kamanggagawa, gayundin ng mga kababayan kong sina Lucio, Jason at Sosipatro. Akong si Tercio, na tagasulat ng liham na ito, ay bumabati rin sa inyo sa pangalan ng Panginoon. Purihin ang Diyos na makakapagpatibay sa inyong pananampalataya sa pamamagitan ng Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo na ipinapangaral ko. Ang Magandang Balitang iyan ay isang hiwagang nalihim sa loob ng mahabang panahon, subalit sa utos ng walang-hanggang Diyos ay nahayag ngayon sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng mga isinulat ng mga propeta, upang ang lahat ay sumampalataya at sumunod sa kanya. At ngayon sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, purihin natin ang iisang Diyos, ang ganap na nakakaunawa sa lahat ng bagay! Amen. Mula kay Pablo na tinawag ayon sa kalooban ng Diyos upang maging apostol ni Cristo Jesus, at mula kay Sostenes na ating kapatid, para sa iglesya ng Diyos na nasa Corinto, sa inyo na mga hinirang ng Diyos na maging kanya sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo Jesus, gayundin sa lahat ng tao na nasa lahat ng dako na tumatawag sa pangalan ni Jesu-Cristo, na Panginoon nating lahat, Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Cristo. Lagi akong nagpapasalamat sa Diyos dahil sa mga pagpapalang ibinigay niya sa inyo sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo, kayo ay naging masagana sa lahat ng bagay, maging sa pananalita at sa kaalaman. Ang katotohanan tungkol kay Cristo ay pinagtibay sa inyo kaya't hindi kayo nagkukulang sa anumang pagpapala, habang hinihintay ninyong bumalik ang ating Panginoong Jesu-Cristo. Kayo'y gagawin niyang matatag hanggang wakas upang matagpuan kayong walang kapintasan sa araw ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Tapat ang Diyos na tumawag sa inyo upang makipag-isa sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo na ating Panginoon. Mga kapatid, ako'y nakikiusap sa inyo, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, magkaisa kayo at huwag magkabaha-bahagi maging sa isipan at maging sa layunin. Sapagkat ibinalita sa akin ng mga kasamahan ni Cloe na kayo raw ay nag-aaway-away. Ito ang tinutukoy ko: may nagsasabing, “Kay Pablo ako;” may nagsasabi namang, “Ako'y kay Apolos.” May iba pa ring nagsasabi, “Kay Pedro ako,” at may iba namang nagsasabi, “Ako'y kay Cristo.” Bakit? Nahati ba si Cristo? Si Pablo ba ang ipinako sa krus para sa inyo? Binautismuhan ba kayo sa pangalan niya? Salamat sa Diyos at wala akong binautismuhan sa inyo maliban kina Crispo at Gaius, kaya hindi ninyo masasabing kayo'y binautismuhan sa aking pangalan. Ako nga rin pala ang nagbautismo sa pamilya ni Estefanas. Maliban sa kanila'y wala na akong natatandaang binautismuhan ko. Sapagkat isinugo ako ni Cristo, hindi upang magbautismo kundi upang mangaral ng Magandang Balita. Ipinangaral ko nga ito, ngunit hindi sa pamamagitan ng mahusay na pagtatalumpati at karunungan ng tao, nang sa gayon ay hindi mawalan ng kabuluhan ang pagkamatay ni Cristo sa krus. Ang mensahe tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus ay kahangalan para sa mga taong naliligaw ng landas, ngunit ito'y kapangyarihan ng Diyos para sa ating mga naliligtas. Sapagkat nasusulat, “Sisirain ko ang karunungan ng marurunong at gagawin kong walang saysay ang katalinuhan ng matatalino.” Ano ngayon ang kabuluhan ng marurunong, ng mga tagapagturo ng Kautusan, ng mahuhusay na debatista sa kapanahunang ito? Ipinapakita ng Diyos na ang karunungan ng sanlibutang ito ay pawang kahangalan lamang. Sapagkat ayon sa karunungan ng Diyos, hindi niya pinahintulutang siya'y makilala ng tao sa pamamagitan ng kanilang karunungan. Sa halip, minarapat niyang iligtas ang mga nagpapasakop sa kanya sa pamamagitan ng Magandang Balita na aming ipinapangaral, na sa tingin ng iba'y isang kahangalan. Ang mga Judio'y humihingi ng himala bilang katunayan. Karunungan naman ang hinahanap ng mga Griyego. Ngunit ang ipinapangaral namin ay si Cristo na ipinako sa krus, na para sa mga Judio ay isang katitisuran at para sa mga Hentil ay isang kahangalan. Subalit sa mga tinawag ng Diyos, maging Judio o maging Griyego, si Cristo ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos. Sapagkat ang inaakala nilang kahangalan ng Diyos ay karunungang higit pa sa karunungan ng tao, at ang inaakala nilang kahinaan ng Diyos ay kalakasang higit pa sa kalakasan ng tao. Mga kapatid, alalahanin ninyo ang inyong katayuan noong kayo'y tawagin ng Diyos. Iilan lamang sa inyo ang matatawag na marunong, makapangyarihan at maharlika sa paningin ng tao. Subalit pinili ng Diyos ang mga naturingang hangal sa sanlibutan upang hiyain ang marurunong, at pinili niya ang mga naturingang mahihina upang hiyain ang malalakas. Pinili niya ang mga pangkaraniwang tao, mga hampas lupa, at mga mahihina sa sanlibutang ito upang ipawalang saysay ang mga kinikilala ng sanlibutan. Kaya't walang sinum ang makakapagmalaki sa harap ng Diyos. Sa kanya nagmula ang buhay na taglay ninyo dahil sa pakikipag-isa ninyo kay Cristo Jesus na siyang ginawang karunungan natin. Sa pamamagitan din niya, tayo'y itinuring na matuwid, ginawang banal at iniligtas ng Diyos. Kaya nga, tulad ng nasusulat, “Ang sinumang nais magmalaki, ang ipagmalaki niya'y ang ginawa ng Panginoon.” Mga kapatid, nang ako'y pumunta riyan, ipinahayag ko sa inyo ang hiwaga ng Diyos hindi sa pamamagitan ng kahusayan ng pananalita o ng malawak na karunungan. Sapagkat noong ako'y nariyan, ipinasya kong walang sinumang kilalanin maliban kay Jesu-Cristo na ipinako sa krus. Noong ako'y nariyan, ako'y nanghihina at nanginginig sa takot. Sa aking pananalita at pangangaral ay hindi ko sinubukang hikayatin kayo sa pamamagitan ng mahuhusay na talumpati at karunungan ng tao. Subalit nangaral ako sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu upang ang inyong pananampalataya ay masandig sa kapangyarihan ng Diyos at hindi sa karunungan ng tao. Sa mga matatag na sa buhay espirituwal ay nangangaral kami ng salita ng karunungan, hindi karunungan ng mundong ito, o ng mga tagapamahala sa mundong ito na ang kapangyarihan ay lilipas. Subalit ang ipinapahayag namin ay ang lihim na karunungan ng Diyos na hindi nahayag noong una, na itinalaga na niya para sa ating ikaluluwalhati bago pa likhain ang sanlibutan. Walang isa man sa mga tagapamahala sa daigdig na ito ang nakaunawa sa karunungang iyon, sapagkat kung naunawaan nila iyon, hindi sana nila ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian. Subalit tulad ng nasusulat, “Hindi pa nakikita ng mata, o naririnig ng tainga, ni hindi pa sumasagi sa isip ng tao ang mga inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kanya.” Ngunit ito'y inihayag na ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Espiritu. Sinasalikisik ng Espiritu ang lahat ng bagay, maging ang pinakamalalim na layunin ng Diyos. Sapagkat walang nakakaalam sa iniisip ng isang tao maliban sa kanyang sariling espiritu. Gayundin naman, walang nakakaalam sa mga iniisip ng Diyos maliban sa Espiritu ng Diyos. Ang tinanggap natin ay hindi ang espiritu ng sanlibutan kundi ang Espiritu na mula sa Diyos upang maunawaan natin ang mga kaloob niya sa atin. Kaya nga, kami ay nangangaral hindi sa pamamagitan ng karunungan ng tao kundi sa pamamagitan ng Espiritu. Ang ipinapaliwanag namin ay mga katotohanang espirituwal para sa mga pinapanahanan ng Espiritu. Sapagkat ang taong di pinapanahanan ng Espiritu ay ayaw tumanggap ng mga kaloob mula sa Espiritu ng Diyos. Para sa kanila, kahangalan ang mga iyon at di nila nauunawaan, sapagkat ang mga bagay na espirituwal ay mauunawaan lamang sa paraang espirituwal. Sinisiyasat ng taong pinapanahanan ng Espiritu ang lahat ng bagay, ngunit walang sinumang makakasiyasat sa kanya. “Sino ang nakakaalam ng pag-iisip ng Panginoon? Sino ang makapagpapayo sa kanya?” Ngunit nasa atin ang pag-iisip ni Cristo. Mga kapatid, hindi ko kayo makausap bilang mga taong nagtataglay ng Espiritu. Kailangang kausapin ko kayo bilang mga taong namumuhay pa ayon sa laman at mga sanggol pa sa pananampalataya kay Cristo. Gatas ang ibinigay ko sa inyo noon at hindi matigas na pagkain, sapagkat hindi ninyo kaya iyon. Subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin ninyo kaya, sapagkat nananaig pa sa inyo ang laman. Ang inyong pag-iinggitan at pag-aaway-away ay palatandaan na makasanlibutan pa kayo at namumuhay ayon sa laman. Kapag sinasabi ng isa, “Ako'y kay Pablo,” at ng iba, “Ako'y kay Apolos,” hindi ba't palatandaan iyan na kayo'y namumuhay pa ayon sa laman? Sino ba si Apolos at sino si Pablo? Kami'y mga lingkod lamang ng Diyos na kinasangkapan niya upang akayin kayo sa pananampalataya kay Cristo. Ginawa lamang ng bawat isa sa amin ang tungkuling ibinigay ng Panginoon. Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, subalit ang Diyos ang nagpatubo at nagpalago. Hindi ang nagtatanim o nagdidilig ang mahalaga kundi ang Diyos, sapagkat siya ang nagpapatubo at nagpapalago. Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay parehong manggagawa lamang, at bawat isa'y tatanggap ng gantimpala ayon sa kanyang pagsisikap. Kami'y kapwa manggagawa ng Diyos at kayo ang kanyang bukirin. Kayo rin ay gusali ng Diyos. Ayon sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin, inilagay ko ang pundasyon, tulad ng isang mahusay na tagapagtayo. Iba naman ang nagpapatuloy sa pagtatayo ng gusali. Ngunit dapat maging maingat ang bawat nagtatayo, sapagkat wala nang ibang pundasyong maaaring ilagay maliban sa nailagay na, walang iba kundi si Jesu-Cristo. May nagtatayo na gumagamit ng ginto, pilak, o mahahalagang bato; mayroon namang gumagamit ng kahoy, damo, o dayami. Makikilala ang uri ng gawa ng bawat isa sa Araw ng Paghuhukom sapagkat mahahayag sa pamamagitan ng apoy kung anong uri ang ginawa ng bawat isa. Kung ang itinayo sa ibabaw ng pundasyon ay hindi masunog, tatanggap ng gantimpala ang nagtayo noon. Ngunit kung masunog naman, mawawalan siya ng gantimpala. Gayunman, maliligtas siya, kaya lang ay para siyang nagdaan sa apoy. Hindi ba ninyo alam na kayo'y templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu? Paparusahan ng Diyos ang sinumang magwasak ng templo niya. Sapagkat banal ang templo ng Diyos, at kayo ang templong iyan. Huwag dayain ninuman ang kanyang sarili. Kung may nag-aakalang siya'y matalino ayon sa sanlibutang ito, aminin niyang siya'y mangmang upang maging tunay na marunong. Sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa paningin ng Diyos. Gaya ng nasusulat, “Hinuhuli niya ang marurunong sa kanila na ring katusuhan.” Gayundin, “Batid ng Panginoon na ang iniisip ng marurunong ay walang kabuluhan.” Kaya't huwag ipagmalaki ninuman ang nagagawa ng tao. Para sa inyo ang lahat ng ito, si Pablo, si Apolos, at si Pedro, ang sanlibutang ito, ang buhay, ang kamatayan, ang kasalukuyan, at ang hinaharap; lahat ng ito'y para sa inyo. At kayo'y para kay Cristo, at si Cristo nama'y para sa Diyos. Dapat ninyong kilalanin na kami'y mga lingkod ni Cristo at katiwala ng mga hiwaga ng Diyos. Ang katiwala'y kailangang maging tapat sa kanyang panginoon. Walang anuman sa akin kung ako'y hatulan ninyo, o ng alinmang hukuman ng tao; ako man ay hindi humahatol sa aking sarili. Kahit na walang umuusig sa aking budhi, subalit hindi iyon katibayan na ako'y walang kasalanan. Ang Panginoon ang humahatol sa akin. Kaya't huwag kayong hahatol nang wala pa sa panahon; maghintay kayo sa pagdating ng Panginoon. Siya ang maglalantad ng mga bagay na ngayo'y natatago sa kadiliman at maghahayag ng mga lihim na hangarin ng bawat isa. Sa panahong iyon, bawat isa'y bibigyan ng Diyos ng angkop na parangal. Mga kapatid, kami ni Apolos ang ginamit kong halimbawa para sa inyong kapakinabangan, upang matutuhan ninyo ang kahulugan ng kasabihang, “Sumunod kayo sa patakaran.” Huwag ninyong ipagmamalaki ang isang tao kung hahamakin lamang naman ninyo ang iba. Paano kayo nakakahigit sa iba? Hindi ba't lahat ng nasa inyo'y ibinigay lamang sa inyo ng Diyos? Kung gayon, bakit ninyo ipinagyayabang iyon na parang hindi kaloob sa inyo? Kayo pala'y nasisiyahan na! Mayayaman na pala kayo! Kayo pala'y naghahari na kahit hindi kami tumulong sa inyo. Sana nga'y naging hari na kayo upang kami man ay maghari ding kasama ninyo. Sa palagay ko, kaming mga apostol ang ginawa ng Diyos na pinakahamak sa lahat ng tao. Ang katulad namin ay mga taong nahatulan ng kamatayan; isang panoorin para sa sanlibutan, ng mga anghel at ng mga tao. Kami'y mga hangal alang-alang kay Cristo; kayo nama'y marurunong dahil kay Cristo! Mahihina kami; kayo nama'y malalakas. Hinahamak kami; kayo nama'y pinaparangalan! Hanggang sa oras na ito, kami'y nagugutom, nauuhaw, at halos hubad; kami'y pinapahirapan at walang matirhan. Nagpapakahirap kami at nagbabanat ng buto para kumita ng ikabubuhay. Idinadalangin namin ang mga lumalait sa amin; kapag kami'y inuusig, tinitiis din namin iyon. Malumanay kaming sumasagot sa mga naninira sa amin. Hanggang ngayon, kami'y parang maruming basahan, pinakahamak sa lahat ng tao sa mundo. Ito'y isinusulat ko, hindi upang hiyain kayo, kundi upang pangaralan bilang minamahal kong mga anak. Kahit magkaroon pa kayo ng sampung libong tagapagturo sa pamumuhay Cristiano, iisa lamang ang inyong ama. Sapagkat kayo'y naging mga anak ko sa pananampalataya kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo. Kaya't isinasamo ko sa inyo, tularan ninyo ako. Dahil dito, pinapunta ko riyan si Timoteo, ang aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon. Paaalalahanan niya kayo tungkol sa mga prinsipyo ko sa buhay sa pagsunod kay Cristo Jesus. Ang mga prinsipyo ring iyan ang itinuturo ko sa bawat iglesya sa lahat ng dako. Nagmamalaki ang ilan sa inyo dahil ang akala nila'y hindi na ako pupunta riyan. Ngunit kung loloobin ng Panginoon, ako'y pupunta riyan sa lalong madaling panahon. Titingnan ko kung anong kapangyarihan ang ipinagmamalaki ng mga iyan, at hindi lamang ang kanilang sinasabi. Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay hindi sa salita, kundi sa kapangyarihan. Ano bang gusto ninyo? Pupunta ba akong may dalang pamalo, o taglay ang diwa ng pag-ibig at kahinahunan? Nakarating nga sa akin ang balitang mayroong kabilang sa inyo na gumagawa ng imoralidad; kinakasama niya ang asawa ng kanyang ama. Kahit mga pagano ay hindi gumagawa ng ganyang kahalayan! At nakukuha pa ninyong magmalaki! Dapat sana'y mahiya kayo at malungkot, at ang taong gumagawa ng ganoon ay dapat ninyong itiwalag! Kahit wala ako riyan sa katawan, nariyan naman ako sa espiritu, kaya't parang nariyan na rin ako. Ang gumagawa niyan ay hinatulan ko na sa pangalan ng ating Panginoong Jesus. Kapag kayo'y nagtipun-tipon, at ang espiritu ko ay nariyan, sa kapangyarihan ng ating Panginoong Jesus, ibigay ninyo kay Satanas ang taong iyan upang mapahamak ang kanyang katawan, at nang sa gayo'y maligtas ang kanyang espiritu sa araw ng Panginoon. Hindi kayo dapat magmalaki. Hindi ba ninyo alam ang kasabihang, “Napapaalsa ng kaunting pampaalsa ang buong masa”? Alisin ninyo ang lumang pampaalsa, ang kasalanan, upang kayo'y maging malinis. Sa gayon, matutulad kayo sa isang bagong masa na walang pampaalsa, at talaga namang ganyan kayo. Sapagkat naihandog na ang ating Korderong Pampaskwa na walang iba kundi si Cristo. Kaya't ipagdiwang natin ang Paskwa, hindi sa pamamagitan ng tinapay na may lumang pampaalsa na sagisag ng kasamaan at kahalayan, subalit sa pamamagitan ng tinapay na walang pampaalsa, ang tinapay ng kalinisan at katapatan. Sinabi ko sa aking sulat na huwag na kayong makisalamuha pa sa mga nakikiapid. Hindi ang mga makamundong nakikiapid, sakim, magnanakaw, o sumasamba sa diyus-diyosan ang tinutukoy ko, sapagkat para sila'y maiwasan kinakailangan ninyong umalis sa mundong ito. Ang tinutukoy ko na huwag ninyong papakisamahan ay ang nagsasabing sila'y Cristiano ngunit nakikiapid, sakim, sumasamba sa diyus-diyosan, nanlalait, naglalasing, at nagnanakaw. Ni huwag kayong makikisalo sa ganyang uri ng tao. Kung may reklamo ang sinuman sa inyo laban sa kapwa Cristiano, bakit siya nagsasakdal sa mga hukom na hindi Cristiano, sa halip na ipaubaya sa mga hinirang ng Diyos ang pag-aayos ng usapin nila? Hindi ba ninyo alam na ang mga hinirang ng Diyos ang hahatol sa sanlibutan? Kung kayo ang hahatol sa sanlibutan, hindi ba ninyo kayang hatulan ang ganyang kaliit na bagay? Hindi ba ninyo alam na hahatulan natin ang mga anghel? Gaano na lang ang mga bagay na may kinalaman sa buhay na ito! Kung may mga usapin kayo, bakit ninyo ito idinudulog sa mga taong hindi kinikilala ng iglesya? Dapat kayong mahiya! Wala bang isa man lang sa inyo na marunong mag-ayos ng awayan ng magkakapatid? Bakit nagsasakdal kayo sa hukuman, kapatid laban sa kapatid, at sa harap pa naman ng mga hindi mananampalataya? Ang pagkakaroon ninyo ng usapin laban sa isa't isa ay isa nang kabiguan sa inyo. Bakit hindi na lang ninyo hayaang gawan kayo ng masama? Bakit hindi na lamang ninyo hayaang madaya kayo? Subalit kayo mismo ang gumagawa ng masama at nandaraya, kahit na sa mga sarili ninyong mga kapatid sa pananampalataya. Hindi ba ninyo alam na ang mga makasalanan ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos? Huwag ninyong dayain ang inyong sarili! Ang mga nakikiapid, sumasamba sa diyus-diyosan, nangangalunya, nakikipagtalik sa kapwa lalaki o kapwa babae, nagnanakaw, sakim, naglalasing, nanlalait ng kapwa, o nandaraya, ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos. Ganyan ang ilan sa inyo noon. Subalit kayo'y pinatawad na sa inyong mga kasalanan at ginawa na kayong banal ng Diyos. Pinawalang-sala na rin kayo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos. May magsasabi, “Malaya akong makagagawa ng kahit ano,” ngunit ang sagot ko naman ay “Hindi lahat ng bagay ay nakakabuti”. Maaari ko ring sabihin, “Maaari akong gumawa ng kahit ano,” ngunit hindi ako magpapaalipin sa anumang bagay. Sasabihin naman ng iba, “Ang mga pagkain ay para sa tiyan at ang tiyan ay sa mga pagkain.” Totoo iyan, ngunit parehong sisirain ng Diyos ang mga ito. Ang katawan ay hindi para sa pakikiapid sapagkat ito'y para sa paglilingkod sa Panginoon, at ang Panginoon naman ang nag-aalaga sa katawan. Muling binuhay ng Diyos si Jesu-Cristo, at tayo man ay muling bubuhayin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay mga bahagi ng katawan ni Cristo? Kukunin ko ba ang bahagi ng katawan ni Cristo upang gawing bahagi ng katawan ng isang babaing nagbebenta ng aliw? Hinding-hindi! Hindi ba ninyo alam na nagiging isa ang katawan ng bayarang babae at ng nakikipagtalik sa kanya? Sapagkat sinasabi sa kasulatan, “Ang dalawa'y magiging isa.” Ang nakikipag-isa sa Panginoon ay nagiging kaisa niya sa Espiritu. Huwag kayong makikiapid. Ang ibang kasalanang nagagawa ng tao ay hindi nakaka-apekto sa kanyang katawan, ngunit ang nakikiapid ay nagkakasala laban sa sarili niyang katawan. Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo at ipinagkaloob ng Diyos sa inyo? Hindi na ninyo pag-aari ang inyong katawan; sapagkat binili niya kayo sa isang halaga. Kaya't gamitin ninyo ang inyong katawan upang maparangalan ang Diyos. Tungkol naman sa nilalaman ng inyong sulat, sinasabi ko sa inyo na mabuti sa isang lalaki ang huwag mag-asawa. Ngunit para maiwasan ang pakikiapid, bawat lalaki o babae ay dapat magkaroon ng sariling asawa. Dapat tuparin ng lalaki ang tungkulin niya sa kanyang asawa, at gayundin naman ang babae. Sapagkat hindi na ang babae ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa. Gayundin naman, hindi na ang lalaki ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa. Huwag ninyong ipagkakait ang inyong sarili sa isa't isa, malibang pagkasunduan ninyong huwag munang magsiping upang maiukol ninyo ang panahon sa pananalangin. Ngunit pagkatapos, magsiping na muli kayo upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa hindi na kayo makapagpigil. Ang sinabi ko'y hindi utos kundi pag-unawa sa inyong kalagayan. Nais ko sanang ang bawat isa ay makatulad ko. Ngunit may kanya-kanyang kaloob mula sa Diyos at ang mga ito'y hindi pare-pareho. Ito naman ang masasabi ko sa mga walang asawa at sa mga biyuda: mabuti pa sa kanila ang manatiling walang asawa tulad ko. Ngunit kung hindi sila makapagpigil sa sarili, mag-asawa na sila; mas mabuti ang mag-asawa kaysa di-makapagpigil sa matinding pagnanasa. Ito naman ang iniuutos sa mga may asawa, hindi mula sa akin kundi mula sa Panginoon: huwag makipaghiwalay ang babae sa kanyang asawa. Ngunit kung siya'y hihiwalay, manatili siyang walang asawa, o kaya'y muling makipagkasundo sa kanyang asawa. At huwag rin namang palalayasin at hihiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa. Sa iba naman, ito ang sinasabi ko, ako ang nagsasabi at hindi ang Panginoon: kung ang isang lalaking mananampalataya ay may asawang di mananampalataya at nais nitong patuloy na makisama sa kanya, huwag niya itong hiwalayan. Kung ang isang babaing sumasampalataya ay may asawang di sumasampalataya at nais ng lalaking magpatuloy ng pakikisama sa kanya, huwag siyang makipaghiwalay. Sapagkat ang lalaking hindi pa sumasampalataya ay nagiging katanggap-tanggap din sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang asawa, at ang babaing hindi pa sumasampalataya ay nagiging katanggap-tanggap sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang asawa. Kung hindi gayon ay magiging marumi sa paningin ng Diyos ang kanilang mga anak; ngunit ang totoo, ang mga ito ay katanggap-tanggap sa Diyos. Kung nais namang humiwalay ng asawang hindi mananampalataya sa kaniyang asawang sumasampalataya, hayaan ninyo siyang humiwalay. Sa gayong mga pagkakataon, ang hinihiwalayan ay malaya na sapagkat tinawag kayo ng Diyos upang mamuhay nang mapayapa. Anong malay ninyo, mga babae, baka kayo ang maging kasangkapan sa ikaliligtas ng inyong asawa? At kayong mga lalaki, anong malay ninyo, baka kayo ang maging kasangkapan sa ikaliligtas ng inyong asawa? Mamuhay ang bawat isa ayon sa ipinagkaloob sa kanya ng Panginoon, at magpatuloy sa dati niyang kalagayan noong siya'y tawagin ng Diyos. Ito ang itinuturo ko sa lahat ng iglesya. Kung ang isang lalaki ay tuli na nang siya'y tawagin ng Diyos, huwag na niyang alisin ang mga palatandaan ng kanyang pagiging tuli. At kung hindi naman tuli nang siya'y tawagin, huwag na siyang mag-asam na magpatuli pa. Hindi mahalaga kung ang isang tao ay tuli o hindi; subalit ang mahalaga ay ang pagsunod sa mga utos ng Diyos. Manatili ang bawat isa sa katutubong kalagayan niya sa buhay nang siya'y tawagin ng Diyos. Ikaw ba'y isang alipin nang tawagin ka ng Diyos? Huwag mong intindihin iyon. Ngunit kung may pagkakataon kang maging isang malaya, samantalahin mo. Ang isang alipin noong tawagin ng Panginoon ay malaya na dahil sa Panginoon. Gayundin naman, ang taong malaya nang siya'y tawagin ni Cristo ay naging alipin ni Cristo. Malaking halaga ang ipinantubos sa inyo ng Diyos; huwag kayong paaalipin sa mga tao. Mga kapatid, anuman ang kalagayan ninyo sa buhay nang kayo'y tawagin, manatili kayo sa gayong pakikiisa sa Diyos. Tungkol naman sa mga taong walang asawa, wala akong maibibigay na utos mula sa Panginoon. Ngunit magbibigay ako ng aking opinyon bilang isang taong mapagkakatiwalaan sapagkat kinahabagan ako ng Panginoon. Dahil sa matinding kahirapan sa kasalukuyan, inaakala kong mabuti pa sa isang tao ang manatili sa kanyang kalagayan. Ikaw ba'y isang lalaking may asawa na? Huwag kang makipaghiwalay. Wala ka pa bang asawa? Huwag mo nang hangaring magkaasawa. Ngunit kung ikaw ay mag-aasawa, hindi ka nagkakasala. Kung ang isang dalaga ay mag-asawa, hindi rin siya nagkakasala. Ngunit ang nag-aasawa ay magdaranas ng mga kahirapan sa buhay na ito, at iyan ang nais kong maiwasan ninyo. Mga kapatid, ito ang ibig kong sabihin: malapit na ang wakas ng panahon, kaya't mula ngayon, ang may asawa ay mamuhay na parang walang asawa; ang mga nananangis, na parang di nananangis; ang mga nagagalak, na parang di nagagalak; ang namimili, na parang walang ari-arian, at ang mga may tinatamasa sa sanlibutang ito, na parang wala silang tinatamasa. Sapagkat ang lahat ng bagay sa daigdig na ito'y hindi na magtatagal. Nais kong mailayô kayo sa mga alalahanin sa buhay. Ang pinagkakaabalahan ng lalaking walang asawa ay ang mga gawaing ukol sa Panginoon—kung paano niya mabibigyan ng kaluguran ang Panginoon. Ngunit ang pinagkakaabalahan ng lalaking may asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito—kung paano niya mabibigyang kaluguran ang kanyang asawa. Dahil dito'y hati ang kanyang malasakit. Gayundin naman, ang pinagkakaabalahan ng isang babaing walang asawa o ng isang dalaga ay ang mga bagay ukol sa Panginoon, sapagkat nais niyang maitalagang lubusan ang sarili para sa paglilingkod sa Panginoon. Subalit ang iniintindi ng babaing may-asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito—kung paano niya mabibigyang kaluguran ang kanyang asawa. Sinasabi ko ito upang matulungan kayo. Hindi ko kayo hinihigpitan; ang nais ko'y maakay kayo sa maayos na pamumuhay at nang lubusan kayong makapaglingkod sa Panginoon. Kung inaakala ng isang lalaki na nagkakaroon siya ng masidhing pagnanasa sa kanyang katipan, at dahil dito'y kailangang pakasal sila, pakasal na sila. Ito ay hindi kasalanan. At kung ipinasya niyang huwag pakasalan ang kanyang kasintahan at hindi naman siya napipilitan lamang at siya'y may lubusang pagpipigil sa sarili, mabuti ang ganitong kapasyahan. Kaya nga, mabuti ang magpasyang pakasalan ang kanyang kasintahan, ngunit mas mabuti ang hindi mag-asawa. Ang babae ay nakatali sa kanyang asawa habang nabubuhay ito. Kapag namatay ang lalaki, ang babae ay malaya nang mag-asawa sa sinumang maibigan niya, ngunit dapat ay sa isa ring nananampalataya sa Panginoon. Subalit sa aking palagay, higit siyang magiging maligaya kung mananatili siya sa kanyang kalagayan bilang biyuda. Iyan ang palagay ko, at sa palagay ko nama'y nasa akin din ang Espiritu ng Diyos. Tungkol naman sa mga pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan, alam nating “may kaalaman tayong lahat.” Ang kaalaman ay nagtutulak sa tao na maging mapagmataas, subalit ang pag-ibig ay nakapagpapatatag. Ang nag-aakalang may nalalaman siya ay hindi pa nakakaalam ng dapat niyang malaman. Ngunit kilala ng Diyos ang sinumang umiibig sa kanya. Kaya nga, tungkol sa pagkaing inihandog sa diyus-diyosan, alam nating ang mga diyus-diyosan ay larawan ng mga bagay na di-totoo, at alam nating iisa lamang ang Diyos. Kahit na may tinatawag na “mga diyos” sa langit at sa lupa, at ang mga tinatawag na “mga diyos” at “mga panginoon” ay marami, subalit para sa atin ay iisa lamang ang Diyos, ang Ama na lumikha ng lahat ng bagay, at tayo'y nabubuhay para sa kanya. Iisa ang Panginoon, si Jesu-Cristo, at sa pamamagitan niya'y nilikha ang lahat ng bagay, at sa pamamagitan din niya'y nabubuhay tayo. Subalit hindi lahat ay nakakaalam nito. May mga taong nasanay na sa pagsamba sa mga diyus-diyosan noong una, kaya't hanggang ngayon, kapag kumakain sila ng ganoong pagkain, inaakala pa rin nila na iyon ay handog sa diyus-diyosan. Dahil kulang pa ang kanilang kaalaman, ang akala nila'y nagkasala sila kapag kumain sila niyon. Ang pagkain ay walang kinalaman sa katayuan natin sa harap ng Diyos. Walang mawawala sa atin kung hindi tayo kumain ng ganoong pagkain, at wala ring kabutihang maidudulot sa atin kung kumain man tayo niyan. Ngunit mag-ingat kayo, baka ang paggamit ninyo ng kalayaang kumain ng anumang pagkain ay maging sanhi ng pagkakasala ng mahihina pa sa pananampalataya. Kung ikaw na may sapat na kaalaman ay kumakain sa loob ng templo ng mga diyus-diyosan, at makita ka ng mahina pa sa pananampalataya, hindi kaya siya mabuyong kumain niyon kahit inihandog sa diyus-diyosan? Dahil sa inaakala mong “kaalaman” ay napapahamak ang iyong mahinang kapatid na tinubos din ng kamatayan ni Cristo. Sa ganoong paraan, nagkakasala kayo kay Cristo dahil itinulak ninyo sa pagkakasala ang inyong kapatid sa paggawa ng mga bagay na labag sa kanyang budhi. Kaya nga, kung dahil sa pagkain ng karne ay magkakasala ang aking kapatid, hindi na ako kakain niyon upang hindi siya magkasala. Hindi ba ako malaya? Hindi ba ako apostol? Hindi ba't nakita ko si Jesus na ating Panginoon? Hindi ba kayo ang bunga ng aking paglilingkod sa kanya? Ang iba'y ayaw kilalanin ang aking pagka-apostol, subalit para sa inyo, ako'y isang apostol, at kayo ang katibayang ako'y apostol nga ng Panginoon. Ito ang sagot ko sa mga pumupuna sa akin. Wala ba kaming karapatang tustusan ng iglesya sa aming pangangailangan? Wala ba kaming karapatang magsama ng asawang Cristiano, tulad ng ginagawa ng ibang mga apostol, at ng mga kapatid ng Panginoon, at gayundin ni Pedro? Kami lamang ba ni Bernabe ang walang karapatang tumigil sa paghahanapbuhay? Ang kawal ba ang gagastos para sa kanyang sariling pangangailangan habang naglilingkod siya? Sinong tao ang nagtatanim ng ubas at di nakikinabang sa mga bunga nito? Sinong pastol ang nag-aalaga ng tupa at di nakikinabang sa gatas nito? Ang sinasabi ko ay hindi nababatay sa kaisipan lamang ng tao. Ganoon din ang sinasabi ng Kautusan. Sapagkat nasusulat sa Kautusan ni Moises, “Huwag mong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik.” Mga baka nga kaya ang inaalala ng Diyos? Hindi ba tayo ang tinutukoy niya? Alang-alang sa atin kaya iyon isinulat, sapagkat ang magsasakang nag-aararo at ang naghihiwalay ng mga butil sa uhay ay gumagawa sa pag-asang may kaparte sila sa aanihin. Naghasik kami sa inyo ng pagpapalang espirituwal; malaking bagay ba naman kung umani kami ng mga materyal na pakinabang mula sa inyo? Kung ang iba'y may ganitong karapatan, lalo na kami! Ngunit hindi namin ginamit ang karapatang ito. Tiniis namin ang lahat upang hindi kami maging hadlang sa Magandang Balita tungkol kay Cristo. Hindi ba ninyo alam na ang mga naglilingkod sa templo ay tumatanggap ng pagkain mula sa templo, at ang mga naglilingkod sa dambana ay may bahagi sa mga handog na nasa dambana? Sa ganyan ding paraan, ipinag-uutos ng Panginoon na ang mga nangangaral ng Magandang Balita ay dapat matustusan ang ikabubuhay sa pamamagitan ng Magandang Balita. Ngunit hindi ko ginamit ang alinman sa mga karapatang ito, at hindi ko kayo sinusulatan ngayon upang hingan ng tulong. Mas iibigin ko pang mamatay kaysa mawala sa akin ang bagay na maipagmamalaki ko! Hindi ngayo't nangangaral ako ng Magandang Balita ay maaari na akong magmalaki. Sapagkat iyan ay tungkuling iniatang sa akin, sumpain ako kung hindi ko ipangaral ang Magandang Balita! Kung ginagawa ko ito nang kusang-loob, ako'y may maaasahang kabayaran, ngunit ginagawa ko ito bilang pagtupad sa tungkuling ipinagkatiwala sa akin ng Diyos. Ano ngayon ang aking kabayaran? Ang maipangaral ko nang walang-bayad ang Magandang Balita, at ang hindi ko pag-angkin ng karapatang nauukol sa akin bilang tagapangaral. Malaya ako at di alipin ninuman; ngunit nagpaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako ng mas marami sa Panginoon. Sa piling ng mga Judio, ako'y namumuhay tulad ng isang Judio upang mahikayat ko sila. Kahit na hindi ako saklaw ng Kautusan, nagpailalim ako rito alang-alang sa mga nasa ilalim ng Kautusan, upang mailapit ko sila sa Diyos. Sa piling naman ng mga Hentil, na hindi saklaw ng Kautusan ni Moises, ako'y naging parang Hentil upang sila'y mahikayat ko rin. Subalit hindi ito nangangahulugang hindi ko sinusunod ang mga utos ng Diyos, sapagkat ako'y nasa ilalim ng kautusan ni Cristo. Sa piling ng mahihina sa pananampalataya, ako'y naging parang mahina rin upang mahikayat ko sila. Ako'y nakibagay sa lahat ng tao upang sa lahat ng paraan ay makapagligtas ako ng kahit ilan man lamang. Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa Magandang Balita, upang makabahagi ako sa mga pagpapala nito. Alam ninyong ang mga kalahok sa paligsahan ay tumatakbong lahat, ngunit iisa lamang ang nagkakamit ng gantimpala! Kaya't pagbutihin ninyo ang pagtakbo upang kamtan ninyo ang gantimpala. Lahat ng manlalarong nagsasanay ay may disiplina sa lahat ng bagay upang magkamit ng isang gantimpalang panandalian lamang. Ngunit ang gantimpalang hinahangad natin ay panghabang panahon. Hindi ako tumatakbo nang walang patutunguhan at hindi ako sumusuntok sa hangin. Subalit sinasanay ko at sinusupil ang aking katawan, upang sa gayo'y hindi ako maalis sa paligsahan pagkatapos kong mangaral sa iba. Mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang nangyari sa ating mga ninuno noong panahon ni Moises. Silang lahat ay naliliman ng ulap sa kanilang paglalakbay at sa pagtawid sa Dagat na Pula. Sa gayon, nabautismuhan silang lahat sa ulap at sa dagat bilang mga tagasunod ni Moises. Kumain silang lahat ng iisang pagkaing espirituwal, at uminom din ng iisang inuming espirituwal, sapagkat uminom sila sa batong espirituwal na sumusubaybay sa kanila, at ang batong iyon ay si Cristo. Gayunman, hindi kinalugdan ng Diyos ang marami sa kanila, kaya't sila'y isa-isang namatay sa ilang. Ang lahat ng mga nangyaring iyon ay babala sa atin upang huwag tayong maghangad ng masasamang bagay, gaya ng ginawa nila. Huwag kayong sasamba sa mga diyus-diyosan, gaya ng ilan sa kanila. Ayon sa nasusulat, “Umupo ang mga tao upang kumain at uminom, at tumayo upang sumayaw.” Huwag tayong makikiapid, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila, kaya't dalawampu't tatlong libong tao ang namatay sa loob lamang ng isang araw. Huwag nating susubukin si Cristo, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila; dahil sa ginawa nila, pinuksa sila ng mga ahas. Huwag din tayong magreklamo, tulad ng ilan sa kanila, kaya't nilipol naman sila ng anghel na namumuksa. Nangyari iyon sa kanila bilang babala sa iba, at isinulat upang tayo namang nabubuhay ngayong mga huling araw ay maturuan. Kaya't mag-ingat ang sinumang nag-aakalang siya'y nakatayo, at baka siya matisod. Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng lahat ng tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipapahintulot na kayo'y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang mapagtagumpayan iyon. Kaya nga, mga minamahal, huwag kayong sasamba sa mga diyus-diyosan. Ganito ang sinasabi ko sa inyo sapagkat alam kong kayo'y matatalino; kayo na ang magdesisyon. Hindi ba't ang pag-inom natin sa kopa ng pagpapala na ating ipinagpapasalamat ay pakikibahagi sa dugo ni Cristo? At ang pagkain natin ng tinapay na ating pinipira-piraso ay pakikibahagi naman sa kanyang katawan? Kaya nga, dahil iisa lamang ang tinapay, tayo'y iisang katawan kahit na tayo'y marami, sapagkat nagsasalu-salo tayo sa iisang tinapay. Tingnan ninyo ang bansang Israel. Hindi ba't ang mga kumakain ng mga handog ay nakikibahagi sa ginagawa sa dambana? Anong ibig kong sabihin? Sinasabi ko bang ang diyus-diyosan, o ang pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan ay may kabuluhan? Hindi! Ang ibig kong sabihin, ang mga pagano ay nag-aalay ng kanilang handog sa mga demonyo, at hindi sa Diyos. Kaya't ayaw kong maging kaisa kayo ng mga demonyo. Hindi kayo makakainom ng sabay sa kopa ng Panginoon at sa kopa ng mga demonyo. Hindi rin kayo maaaring makisalo ng sabay sa hapag ng Panginoon at sa hapag ng mga demonyo. Nais ba nating manibugho ang Panginoon? Akala ba ninyo'y mas makapangyarihan tayo kaysa sa kanya? Mayroon namang magsasabi, “Malaya akong gumawa ng anuman,” ngunit hindi lahat ng ito ay nakakabuti. “Malaya akong gumawa ng anuman,” ngunit hindi rin lahat ng ito'y nakakatulong. Huwag ang sariling kapakanan ang unahin ninyo, kundi ang sa iba. Kumain kayo ng anumang nabibili sa tindahan ng karne at huwag nang magtanong pa upang hindi mabagabag ang inyong budhi. Sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang buong daigdig at lahat ng naroroon, ang Panginoon ang may-ari niyon!” Kung anyayahan kayo ng isang di sumasampalataya at nais ninyong dumalo, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo at huwag na kayong magtanong pa kung iyon ay ikagugulo ng inyong budhi. Ngunit kung may magsabi sa inyo, “Ito'y inialay sa mga diyus-diyosan,” huwag ninyong kainin iyon alang-alang sa nagsabi sa inyo, upang di mabagabag ang budhi. Ang aking tinutukoy ay ang budhi ng inyong kapwa, at hindi ang budhi ninyo. Ikakatwiran naman ng iba, “Bakit hahadlangan ng budhi ng iba ang aking kalayaan?” Bakit ako susumbatan dahil sa pagkain ko ng mga bagay na ipinagpasalamat ko naman sa Diyos?” Kaya nga, kung kayo'y kumakain o umiinom, o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos. Huwag kayong maging sanhi ng pagkakasala ninuman, ng mga Judio, ng mga Hentil, o ng mga kaanib sa iglesya ng Diyos, sa halip, tularan ninyo ang ginagawa ko. Sinisikap kong mabigyang kasiyahan ang lahat ng tao sa bawat ginagawa ko. Hindi ko inuuna ang sarili kong kapakanan kundi ang kapakanan ng marami, upang maligtas sila. Tularan ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo. Ipinagmamalaki ko kayo dahil naaalala ninyo ako at sinusunod ninyo ang mga itinuro ko sa inyo. Ngunit nais kong maunawaan ninyo na si Cristo ang nakakasakop sa bawat lalaki, ang lalaki ang nakakasakop sa kanyang asawa, at ang Diyos naman ang nakakasakop kay Cristo. Ang lalaking nananalangin o nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos nang may takip ang ulo ay nagdudulot ng kahihiyan sa nakakasakop sa kanya. Ang babae namang nananalangin o nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos nang walang belo ay nagdudulot ng kahihiyan sa nakakasakop sa kanya, para na rin siyang babaing ahít ang ulo. Kung ayaw magbelo ang isang babae, magpaahit na siya ng buhok. Yamang kahiya-hiya sa babae ang magpaahit o magpagupit ng buhok, dapat siyang magbelo. Hindi dapat magbelo ang lalaki dahil siya'y larawan at karangalan ng Diyos. Ngunit ang babae ay karangalan ng lalaki, sapagkat hindi mula sa babae ang lalaki, kundi ang babae ay nagmula sa lalaki. At hindi rin nilalang ang lalaki para sa babae, kundi ang babae ay nilalang para sa lalaki. Alang-alang sa mga anghel, dapat magbelo ang babae bilang tanda na siya'y nasasakop ng kanyang asawa. Gayunman, sa paningin ng Panginoon ay kailangan ng babae ang lalaki at kailangan din naman ng lalaki ang babae. Kung nagmula man sa lalaki ang babae, ang lalaki nama'y isinisilang ng babae, at mula sa Diyos ang lahat. Kayo na ang humatol, angkop ba sa isang babae ang makitang nananalangin nang walang takip sa ulo? Hindi ba't kalikasan na rin ang nagtuturo sa inyo na kahiya-hiya sa isang lalaki ang magpahaba ng buhok, ngunit karangalan naman ito ng babae? Sapagkat ibinigay sa kanya ang buhok bilang pantakip sa kanyang ulo. Ngunit kung may gusto pang makipagtalo tungkol dito, wala akong masasabi kundi ito: sa pagsamba, wala kaming ganoong kaugalian, gayundin ang mga iglesya ng Diyos. Tungkol sa mga babanggitin ko ngayon, hindi ko kayo maaaring ipagmalaki dahil ang inyong pagtitipon ay hindi nakakabuti, subalit nakakasama. Una sa lahat, nabalitaan ko na kayo'y nagpapangkat-pangkat sa inyong pagtitipon, at ako'y naniniwalang may katotohanan iyan. Kailangan ngang magkabukud-bukod kayo upang makilala kung sinu-sino sa inyo ang mga tapat. Kaya't sa inyong pagtitipon, hindi Banal na Hapunan ng Panginoon ang kinakain ninyo. Sapagkat ang bawat isa sa inyo'y nagmamadali sa pagkain ng kanyang baong pagkain, kaya't nagugutom ang iba at ang iba nama'y nalalasing. Wala ba kayong sariling bahay upang doon kumain at uminom? O hinahamak ninyo ang iglesya ng Diyos at hinihiya ang mahihirap? Ano ang gagawin ko ngayon? Ipagmamalaki ko ba kayo dahil sa bagay na iyon? Hinding-hindi ko gagawin iyon! Ito ang katuruang tinanggap ko sa Panginoon at ibinigay ko naman sa inyo: noong gabing siya'y ipagkanulo, ang Panginoong Jesus ay dumampot ng tinapay, nagpasalamat at pinagpira-piraso iyon, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin.” Matapos maghapunan, dumampot din siya ng kopa at sinabi, “Ang kopang ito ay ang bagong tipan ng Diyos na pinagtibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo bilang pag-aalaala sa akin.” Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kopang ito, ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang muling pagparito. Ang sinumang kumakain ng tinapay at umiinom sa kopa ng Panginoon sa paraang di nararapat ay nagkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. Kaya't dapat siyasatin ng tao ang kanyang sarili bago siya kumain ng tinapay at uminom sa kopa. Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom nang hindi kinikilala ang kahalagahan ng katawan ng Panginoon ay kumakain at umiinom ng kahatulan laban sa kanyang sarili. Iyan ang dahilan kung bakit mahihina at masasaktin ang marami sa inyo, at may ilan ngang namatay na. Kung sisiyasatin natin ang ating sarili, hindi tayo hahatulan ng Panginoon. Ngunit hinahatulan tayo ng Panginoon dahil itinutuwid niya tayo, upang hindi tayo maparusahang kasama ng sanlibutan. Kaya nga, mga kapatid, kapag nagkakatipon kayo upang kumain, maghintayan kayo. Kung may nagugutom, kumain na muna siya sa bahay upang hindi humantong sa hatol na kaparusahan ang inyong pagtitipon. Tungkol naman sa ibang mga bagay, saka ko na aayusin pagdating ko riyan. Mga kapatid, ngayon, tungkol naman sa mga kaloob ng Espiritu Santo, nais kong magkaroon kayo ng wastong kaalaman. Alam ninyo na noong hindi pa kayo sumasampalataya, kayo'y napapaniwala sa kung anu-anong mga diyus-diyosan na di naman nakakapagsalita. Kaya't nais kong malaman ninyo na walang taong pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ang magsasabing, “Sumpain si Jesus!” At hindi rin masasabi ninuman, “Si Jesus ay Panginoon,” kung siya'y hindi pinapatnubayan ng Espiritu Santo. Iba't iba ang mga espiritwal na kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito. Iba't iba ang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lamang ang Panginoong pinaglilingkuran. Iba't iba ang mga gawaing iniatas, ngunit iisa lamang ang Diyos na kumikilos sa mga taong gumagawa ng mga iyon. Para sa ikabubuti ng lahat, ang bawat isa'y binigyan ng kaloob na nagpapakitang nasa kanya ang Espiritu. Ang ilan sa atin napagkalooban ng kakayahang magsalita ng mensahe ng karunungan. Ang iba naman ay pinagkalooban ng katalinuhan. Subalit iisang Espiritu ang nagkakaloob nito. Ang Espiritu ring iyon ang nagkakaloob sa iba ng pananampalataya sa Diyos, at sa iba'y ang kapangyarihang magpagaling sa mga maysakit. May pinagkalooban ng kapangyarihang gumawa ng mga himala; may pinagkalooban din ng kakayahang magpahayag ng mensaheng mula sa Diyos, at may pinagkalooban naman ng kakayahang malaman kung aling kaloob ang mula sa Espiritu at kung alin ang hindi. May pinagkalooban ng kakayahang magsalita sa iba't ibang mga wika, at sa iba naman ay ang magpaliwanag ng mga wikang iyon. Ngunit isang Espiritu lamang ang gumagawa ng lahat ng ito at namamahagi ng iba't ibang kaloob sa bawat isa, ayon sa kanyang ipinasya. Si Cristo'y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi. Kahit na binubuo ng iba't ibang bahagi, ito ay nananatiling iisang katawan. Maging Judio o Hentil, alipin man o malaya, tayong lahat ay binautismuhan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa iisang Espiritu. Ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at hindi ng iisang bahagi lamang. Kung sasabihin ng paa, “Hindi ako kamay kaya't hindi ako bahagi ng katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? Kung sasabihin ng tainga, “Hindi ako mata, kaya't hindi ako bahagi ng katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? Kung puro mata lamang ang buong katawan, paano ito makakarinig? Kung puro tainga lamang ang buong katawan, paano ito makakaamoy? Subalit inilagay ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan ayon sa kanyang kalooban. Kung ang lahat ng bahagi ay pare-pareho, hindi iyan maituturing na katawan. Ngunit ang totoo'y marami ang mga bahagi, ngunit iisa lamang ang katawan. Hindi rin naman masasabi ng mata sa kamay, “Hindi kita kailangan,” ni ng ulo, sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.” Sa katunayan, ang mga bahaging parang mahihina ang siya pa ngang kailangang kailangan. Ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating hindi gaanong kapuri-puri ay pinag-uukulan ng higit na pagpapahalaga. Ang mga bahaging hindi likas na maganda ang siya nating higit na pahalagahan. Hindi na ito kailangang gawin sa mga bahaging sadyang maganda. Nang isaayos ng Diyos ang ating katawan, binigyan niya ng higit na karangalan ang mga bahaging di gaanong marangal, upang hindi magkaroon ng pagkakabaha-bahagi, at sa halip ay magmalasakit sa isa't isa. Kung nasasaktan ang isang bahagi, nasasaktan ang lahat; kung pinaparangalan ang isang bahagi, nagagalak ang lahat. Kayo ngang lahat ang iisang katawan ni Cristo, at bawat isa sa inyo ay bahagi nito. Naglagay ang Diyos sa iglesya, una, ng mga apostol; ikalawa, ng mga propeta; at ikatlo, ng mga guro. Naglagay rin siya ng mga gumagawa ng mga himala, mga nagpapagaling ng mga maysakit, mga tagatulong, mga tagapangasiwa, at mga nagsasalita sa iba't ibang mga wika. Hindi lahat ay apostol, propeta o guro; hindi lahat ay binigyan ng kakayahang gumawa ng mga himala, magpagaling ng mga maysakit, magsalita sa iba't ibang mga wika o magpaliwanag ng mga wikang ito. Kaya't buong sikap ninyong hangarin ang mga kaloob na mas dakila. At ngayo'y ituturo ko sa inyo ang walang katulad sa lahat. Makapagsalita man ako sa mga wika ng mga tao at ng mga anghel, kung wala naman akong pag-ibig, para lamang akong kampanang umaalingawngaw o pompiyang na kumakalampag. Kung ako man ay may kakayahang magpahayag ng salita ng Diyos at umunawa sa lahat ng hiwaga, kung mayroon man ako ng lahat ng kaalaman at ng malaking pananampalataya na anupa't nakakapagpalipat ako ng mga bundok, ngunit kung wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan. At kung ipamigay ko man ang lahat ng aking mga ari-arian at ialay ang aking katawan upang sunugin, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala rin akong mapapala! Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim sa kapwa. Hindi niya ikinatutuwa ang gawaing masama, ngunit ikinagagalak ang katotohanan. Ang pag-ibig ay mapagpatawad, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at mapagtiis hanggang wakas. Matatapos ang kakayahang magpahayag ng salita ng Diyos, titigil rin ang kakayahang magsalita sa iba't ibang mga wika, mawawala ang kaalaman, ngunit ang pag-ibig ay walang hanggan. Hindi pa lubos ang ating kaalaman at ang kakayahan nating magpahayag ng mensaheng mula sa Diyos, ngunit pagdating ng ganap, mawawala na ang di-ganap. Noong ako'y bata pa, ako'y nagsasalita, nag-iisip at nangangatwirang tulad ng bata. Ngayong ako'y mayroon nang sapat na gulang, iniwanan ko na ang mga asal ng bata. Sa kasalukuyan, tila malabong larawan ang nakikita natin sa salamin, ngunit darating ang araw na harapan nating makikilala ang Diyos. Bahagya lamang ang nalalaman ko ngayon, ngunit darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng lubos na pagkakilala niya sa akin. Kaya't ang tatlong ito'y nananatili: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig. Pakamithiin ninyo ang pag-ibig! Hangarin ninyo ang mga kaloob na espirituwal, lalung-lalo na ang makapagpahayag ng mensaheng mula sa Diyos. Ang nagsasalita sa iba't ibang wika ay sa Diyos nakikipag-usap at hindi sa tao, sapagkat walang nakakaunawa sa kanya, ngunit nagsasalita siya ng mga hiwaga sa tulong ng Espiritu Santo. Sa kabilang dako, ang nagpapahayag naman ng mensaheng mula sa Diyos ay nagsasalita sa mga tao upang patibayin ang kanilang pananampalataya, palakasin ang kanilang loob, at sila'y aliwin. Ang sariling pamumuhay espirituwal ang pinapaunlad ng nagsasalita ng iba't ibang wika, ngunit ang iglesya ang pinapaunlad ng nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos. Nais ko sanang kayong lahat ay makapagsalita ng iba't ibang wika, ngunit higit na gusto kong kayo'y makapagpahayag ng mensaheng mula sa Diyos. Higit na mahalaga ang nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos kaysa nagsasalita sa iba't ibang mga wika, maliban na lamang kung may magpapaliwanag ng kanyang sinasabi upang makatulong sa pag-unlad ng iglesya. Kaya, mga kapatid, kung pumunta man ako riyan at magsalita sa inyo sa iba't ibang mga wika, ano ang mapapakinabang ninyo sa akin? Wala! Makikinabang lamang kayo kung tinuturuan ko kayo ng mga pahayag ng Diyos, ng nalalaman ko tungkol sa kanya, ng mga mensaheng mula sa Diyos, at ng mga aral. Maging sa mga instrumentong walang buhay tulad ng plauta at alpa, paanong malalaman ninuman kung ano ang tinutugtog kung hindi malinaw ang tunog ng mga nota? At kung hindi malinaw ang tunog ng trumpeta, sino ang maghahanda sa pakikipaglaban? Gayundin naman, paanong malalaman ninuman ang nais ninyong sabihin kung magsasalita kayo sa pamamagitan ng wikang hindi naman nila nauunawaan? Para kayong nakikipag-usap sa hangin. Maraming iba't ibang wika sa daigdig, at bawat isa ay may kahulugan, ngunit kung hindi ako marunong ng wikang ginagamit ng aking kausap, hindi kami magkakaintindihan. Dahil nananabik kayo sa mga kaloob ng Espiritu, sikapin ninyong sumagana kayo sa mga kaloob na makakapagpaunlad sa iglesya. Dahil dito, kailangang manalangin ang nagsasalita ng iba't ibang mga wika na bigyan din siya ng kaloob na makapagpaliwanag nito. Kung nananalangin ako sa wikang iyan, nananalangin nga ang aking espiritu ngunit walang pakinabang ang aking pag-iisip. Ano ang dapat kong gawin? Mananalangin ako sa pamamagitan ng aking espiritu, ngunit gagamitin ko rin ang aking pag-iisip sa aking pananalangin. Ako'y aawit sa pamamagitan ng espiritu, ngunit gagamitin ko rin ang aking pag-iisip sa aking pag-awit. Kung nagpapasalamat ka sa Diyos sa pamamagitan ng espiritu lamang, paanong makakapagsabi ng “Amen” ang isang taong naroroon kung hindi niya nauunawaan ang iyong sinasabi? Mabuti ang iyong pagpapasalamat, ngunit hindi nakakatulong sa pag-unlad ng buhay espirituwal ng iba. Nagpapasalamat ako sa Diyos sapagkat ako'y nakakapagsalita sa iba't ibang mga wika, higit kaysa sa inyong lahat. Ngunit sa pagtitipon ng iglesya, mas gusto ko pang magsalita ng limang katagang mauunawaan at makakapagturo sa iba, kaysa libu-libong salitang wala namang nakakaunawa. Mga kapatid, huwag kayong maging isip-bata. Maging tulad kayo ng mga batang walang malay kung tungkol sa kasamaan, ngunit sa inyong pang-unawa, maging tulad kayo ng matatanda. Ganito ang nakasulat sa Kautusan: “Sinabi ng Panginoon, ‘Magsasalita ako sa bayang ito, sa pamamagitan ng mga taong may ibang wika, sa pamamagitan ng labi ng mga banyaga, ngunit hindi pa rin nila ako papakinggan.’” Kung gayon, ang kaloob na makapagsalita sa iba't ibang mga wika ay isang palatandaan para sa mga di sumasampalataya, hindi para sa mga mananampalataya. Ngunit ang kaloob na makapagpahayag ng mensaheng mula sa Diyos ay palatandaan para sa mga mananampalataya at hindi sa mga di sumasampalataya. Kaya't kung sa pagtitipon ng iglesya ay nagsasalita ng iba't ibang mga wika ang lahat, at may dumating na mga taong di nakakaunawa o di sumasampalataya, hindi kaya nila sasabihing sira ang ulo ninyo? Ngunit kung ang lahat ay nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos, at dumating doon ang isang di nakakaunawa, o di sumasampalataya, makikilala niyang siya'y makasalanan, madarama ang kanyang tunay na kalagayan, at malalaman niya ang mga lihim ng kanyang puso. Kaya't luluhod siya, sasamba sa Diyos, at sasabihing, “Talagang ang Diyos ay nasa inyo.” Ano ngayon ang kahulugan ng lahat ng iyon, mga kapatid? Kung sa inyong pagtitipon ay may umaawit, may nagtuturo, may naghahayag ng kalooban ng Diyos, may nagsasalita sa iba't ibang mga wika, at mayroon namang nagpapaliwanag noon, gawin ninyo ang lahat ng iyan sa ikauunlad ng iglesya. Kung may magsasalita sa iba't ibang mga wika, sapat na ang dalawa o tatlo, salit-salitan sila, at kailangang may magpapaliwanag ng kanilang sinasabi. Ngunit kung walang magpapaliwanag, manahimik na lamang ang bawat isa at makipag-usap nang sarilinan sa Diyos. Hayaang magsalita ang dalawa o tatlong tao na tumanggap ng kaloob na makapagpahayag ng mensaheng mula sa Diyos, at timbangin naman ng iba ang mga sinasabi nila. At kung ang isa sa mga nakaupo roon ay tumanggap ng pahayag mula sa Diyos, tumigil muna ang nagsasalita. Sapagkat kayong lahat ay maaaring isa-isang magpahayag ng mensaheng mula sa Diyos upang matuto ang lahat at mapalakas ang loob nila. Ang kaloob na pagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos ay dapat napipigil ng tumanggap ng kaloob na iyon, sapagkat ang Diyos ay di nalulugod sa kaguluhan dahil siya ang Diyos ng kaayusan at kapayapaan. Gaya ng dapat mangyari sa lahat ng iglesya ng mga hinirang ng Diyos, ang mga babae ay kailangang manahimik sa mga pagtitipon sa iglesya. Sapagkat hindi ipinapahintulot sa kanila sa ganoong mga pagtitipon ang magsalita; kailangang sila'y pasakop, gaya ng sinasabi ng Kautusan. Kung mayroon silang nais malaman, magtanong sila sa kanilang asawa pagdating nila sa bahay; sapagkat kahiya-hiyang magsalita ang isang babae sa loob ng iglesya. Inaakala kaya ninyong sa inyo nagmula ang salita ng Diyos, o kayo lamang ang tumanggap nito? Kung inaakala ninuman na siya'y tumanggap ng pahayag mula sa Diyos, o anumang kaloob ng Espiritu, dapat niyang kilalanin na ang isinusulat ko sa inyo ay utos ng Panginoon. Ang ayaw kumilala nito ay huwag din ninyong kilalanin. Kaya, mga kapatid ko, hangarin ninyo na makapagpahayag ng mensaheng mula sa Diyos, ngunit huwag naman ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa iba't ibang mga wika. Kaya lang, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa wasto at maayos na paraan. Mga kapatid, ngayo'y ipinapaalala ko sa inyo ang Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo. Iyan ang Magandang Balitang inyong tinanggap at naging saligan ng inyong pananampalataya. Naligtas kayo sa pamamagitan nito, kung matatag ninyong pinanghahawakan ang salitang ipinangaral ko sa inyo; dahil kung hindi, walang kabuluhan ang inyong pananampalataya. Sapagkat ibinigay ko sa inyo itong pinakamahalagang katuruan na tinanggap ko rin: si Cristo'y namatay dahil sa ating mga kasalanan, bilang katuparan sa sinasabi sa Kasulatan; inilibing siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, ayon din sa Kasulatan; at siya'y nagpakita kay Pedro, at saka sa Labindalawa. Pagkatapos, nagpakita siya sa mahigit na limandaang kapatid na nagkakatipon. Marami sa kanila'y buháy pa hanggang ngayon, subalit patay na ang ilan. At nakita rin siya ni Santiago, at ng lahat ng mga apostol. Sa kahuli-huliha'y nagpakita rin siya sa akin, kahit na ako'y tulad ng isang batang ipinanganak nang di-kapanahunan. Sapagkat ako ang pinakahamak sa mga apostol; ni hindi nga ako karapat-dapat tawaging isang apostol, sapagkat inusig ko ang iglesya ng Diyos. Ngunit dahil sa kagandahang-loob niya, ako'y naging isang apostol, at hindi naman nawalan ng kabuluhan ang kaloob niyang ito sa akin. Katunayan, nagpagal ako nang higit kaysa sinuman sa kanila, subalit hindi ito dahil sa sarili kong kakayahan kundi sa dahil sa kagandahang-loob ng Diyos na nasa akin. Kaya't maging ako o sila, ito ang ipinapangaral namin, at ito ang pinaniwalaan ninyo. Ngayon, kung ipinapangaral naming si Cristo'y muling nabuhay, bakit sinasabi ng ilan sa inyo na hindi bubuhaying muli ang mga patay? Kung totoo iyan, lilitaw na hindi muling binuhay si Cristo. At kung si Cristo'y hindi muling binuhay, walang kabuluhan ang aming pangangaral at walang katuturan ang inyong pananampalataya. Kung ganoon, lilitaw na kami'y mga sinungaling na saksi ng Diyos dahil pinatotohanan namin na muling binuhay ng Diyos si Cristo ngunit hindi naman pala, kung talagang walang muling pagkabuhay ng mga patay. Kung hindi muling binuhay ang mga patay, hindi rin muling binuhay si Cristo. At kung hindi muling binuhay si Cristo, kayo'y hindi pa nalilinis sa inyong mga kasalanan at walang katuturan ang inyong pananampalataya. Hindi lamang iyan, lilitaw pa na ang lahat ng namatay na sumasampalataya kay Cristo ay napahamak. Kung ang pag-asa natin kay Cristo ay para lamang sa buhay na ito, tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng tao. Ngunit ngayong si Cristo'y muling binuhay, ito'y katibayan na muling bubuhayin ang mga patay. Kung paanong dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, gayundin naman, dumating ang muling pagkabuhay sa pamamagitan din ng isang tao. Sapagkat kung paanong mamamatay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Adan, gayundin naman, mabubuhay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Cristo. Ngunit ang bawat isa'y may kani-kanyang takdang panahon. Si Cristo ang pinakauna sa lahat; pagkatapos, ang mga kay Cristo sa panahon ng pagparito niya. At darating ang wakas, kapag naibigay na ni Cristo ang kaharian sa Diyos Ama, pagkatapos niyang malupig ang lahat ng paghahari, pamahalaan at kapangyarihan. Sapagkat si Cristo'y dapat maghari hanggang sa malupig niya at lubusang mapasuko ang kanyang mga kaaway. Ang kahuli-hulihang kaaway na kanyang lulupigin ay ang kamatayan. Ganito ang sinasabi ng kasulatan, “Ang lahat ng bagay ay lubusang ipinailalim ng Diyos sa kanyang kapangyarihan.” Ngunit sa salitang “lahat ng bagay,” maliwanag na hindi kasama rito ang Diyos na siyang naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo. At kapag ang lahat ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ni Cristo, ang Anak naman ang papailalim sa kapangyarihan ng Diyos na naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan niya. Sa gayon, lubusang maghahari ang Diyos sa lahat. Kung hindi gayon, ano ang halaga ng pagpapabautismo ng mga tao para sa mga patay? Kung talagang hindi bubuhaying muli ang mga patay, bakit pa nagpapabautismo ang mga tao alang-alang sa kanila? At bakit pa kami nalalagay sa panganib sa lahat ng oras? Walang araw na di ako nabibingit sa kamatayan, mga kapatid! Sinasabi ko ito sapagkat ikinararangal ko kayo alang-alang kay Cristo Jesus na ating Panginoon! Kung ang pakikipaglaban ko sa mababangis na kaaway sa Efeso ay para sa tao lamang, ano ang mapapala ko? Kung hindi rin lamang bubuhaying muli ang mga patay, mabuti pa'y sundin na lamang natin ang kasabihang ito, “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas tayo'y mamamatay.” Huwag kayong paloloko. “Ang masasamang kasama'y nakakasira ng magagandang ugali.” Magpakatino kayo at talikuran ang pagkakasala. Ang iba sa inyo'y hindi kilala ang Diyos. Sinasabi ko ito upang mapahiya kayo. Subalit may magtatanong, “Paano bubuhaying muli ang mga patay? Ano ang magiging uri ng katawan nila?” Hangal! Hindi mabubuhay ang binhing itinatanim hangga't hindi iyon namamatay. At ang itinatanim ay hindi halamang malaki na, kundi binhi, tulad ng butil ng trigo, o ng ibang binhi. Ang Diyos ang nagbibigay ng katawan sa binhing iyon, ayon sa kanyang kagustuhan; bawat binhi'y binigyan niya ng angkop na katawan. At hindi pare-pareho ang laman ng mga nilikhang may buhay; iba ang laman ng tao, iba ang laman ng hayop, iba ang sa mga ibon, at iba ang sa mga isda. May mga katawang panlangit at mayroon namang panlupa; iba ang kagandahang panlupa at iba ang kagandahang panlangit. Iba ang liwanag ng araw, iba naman ang liwanag ng buwan, at iba rin ang liwanag ng mga bituin, sapagkat maging ang mga bituin ay magkakaiba ang liwanag. Ganyan din sa muling pagkabuhay. Ang katawang inilibing ay mabubulok, ngunit di mabubulok kailanman ang katawang muling binuhay; pangit at mahina nang ilibing, maganda't malakas kapag muling nabuhay; inilibing na katawang panlupa, muling mabubuhay bilang katawang panlangit. Kung may katawang panlupa, mayroon ding katawang panlangit. Ganito ang sinasabi sa kasulatan, “Ang unang tao, si Adan, ay nilikhang binigyan ng buhay;” ang huling Adan ay Espiritung nagbibigay buhay. Ngunit hindi nauna ang panlangit; ang panlupa muna bago ang panlangit. Ang unang Adan ay mula sa lupa, sapagkat nilikha siya mula sa alabok; ang pangalawang Adan ay mula sa langit. Ang katawang panlupa ay katulad ng nagmula sa lupa; ang katawang panlangit ay katulad ng nagmula sa langit. Kung paanong tayo'y naging katulad ng taong nagmula sa lupa, matutulad din tayo sa taong nanggaling sa langit. Ito ang ibig kong sabihin, mga kapatid, ang binubuo ng laman at dugo ay hindi maaaring makabahagi sa kaharian ng Diyos, at ang katawang panlupa ay di maaaring magmana ng buhay na walang hanggan. Isang hiwaga ang sinasabi ko sa inyo, hindi lahat tayo'y mamamatay ngunit lahat tayo'y babaguhin, sa isang sandali, sa isang kisap-mata, kasabay ng huling pag-ihip ng trumpeta. Sapagkat sa pagtunog ng trumpeta, ang mga patay ay muling bubuhayin at di na muling mamamatay. Babaguhin tayong lahat. Ang ating katawang nabubulok ay mapapalitan ng hindi nabubulok, at ang katawang namamatay ay mapapalitan ng katawang hindi namamatay. Kapag ang nabubulok ay napalitan na ng di nabubulok, at ang may kamatayan ay napalitan na ng walang kamatayan, matutupad na ang sinasabi sa kasulatan: “Nalupig na ang kamatayan; lubos na ang tagumpay!” “Nasaan, O kamatayan, ang iyong tagumpay? Nasaan, O kamatayan, ang iyong kamandag?” Ang kamandag ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang lakas ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan. Magpasalamat tayo sa Diyos, sapagkat tayo'y binibigyan niya ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, magpakatatag kayo at huwag matinag. Maging masipag kayo sa paglilingkod sa Panginoon, dahil alam ninyong hindi masasayang ang inyong paghihirap para sa kanya. Tungkol naman sa tulong para sa mga kapatid sa Jerusalem, gawin ninyo iyon ayon sa sinabi ko sa mga iglesya sa Galacia. Tuwing unang araw ng sanlinggo, ang bawat isa ay maglaan ng bahagi ng kanyang kinikita at ipunin iyon upang huwag nang manghingi pa ng tulong pagpunta ko riyan. Pagdating ko riyan, bibigyan ko ng sulat ang mga taong pipiliin ninyo upang magdala ng inyong tulong sa Jerusalem. At kung kailangang pumunta rin ako, sasama ako sa kanila. Pupunta ako riyan pagkagaling ko sa Macedonia, sapagkat binabalak kong dumaan doon. Magtatagal ako riyan at maaaring diyan na ako magpapalipas ng taglamig upang ako'y matulungan ninyo saan man ako pupunta. Ayaw kong ako'y dadaan lamang diyan; nais kong magtagal nang kaunti kung loloobin ng Panginoon. Titigil ako sa Efeso hanggang sa araw ng Pentecostes dahil may magandang pagkakataon dito para sa paglilingkod, kahit na maraming humahadlang. Pagdating diyan ni Timoteo, ipadama ninyo ang inyong pagtanggap sa kanya upang mapanatag ang kanyang kalooban, sapagkat siya'y tulad kong naglilingkod sa Panginoon. Huwag ninyo siyang maliitin, sa halip ay tulungan ninyo upang makabalik siya sa akin nang mapayapa, sapagkat hinihintay ko siya kasama ng mga kapatid. Tungkol naman sa ating kapatid na si Apolos, kinausap ko siyang mabuti upang dalawin kayo kasama ng ibang mga kapatid. Ngunit hindi pa siya makakapunta ngayon. Saka na siya dadalaw sa inyo kapag nagkaroon ng pagkakataon. Maging handa kayo at magpakatatag sa inyong pananampalataya. Maging matapang kayo at magpakatibay, at ang lahat ng ginagawa ninyo'y gawin ninyo nang may pagmamahal. Mga kapatid, alam ninyong ang sambahayan ni Estefanas ang unang nakakilala sa Panginoon sa Acaya, at itinalaga nila ang kanilang sarili sa paglilingkod para sa mga hinirang ng Diyos. Nakikiusap ako sa inyo na kayo'y pasakop sa mga tulad nila at sa sinumang kasama nilang nagpapakahirap sa paglilingkod. Nagagalak ako sa pagdating nina Estefanas, Fortunato, at Acaico, sapagkat ginagawa nila ang hindi ninyo magawâ para sa akin. Sila ang nagpasigla sa akin, gayundin sa inyo. Pahalagahan ninyo ang ganitong uri ng mga tao. Kinukumusta kayo ng mga iglesya sa Asia. Kinukumusta rin kayo nina Aquila at Priscila, at ng mga kapatid na nagtitipon sa kanilang bahay sa pangalan ng Panginoon. Kinukumusta rin kayo ng lahat ng kapatid dito. Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Cristo. Ako mismong si Pablo ang sumusulat ng pagbating ito. Sumpain ang sinumang walang pag-ibig sa Panginoon! Marana tha —Dumating ka nawa, Panginoon namin! Sumainyo nawa ang pagpapala ng Panginoong Jesus. Sumainyong lahat ang aking pagmamahal sa pangalan ni Cristo Jesus. Mula kay Pablo na isang apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos, at mula rin sa ating kapatid na si Timoteo— Para sa iglesya ng Diyos sa Corinto at sa mga hinirang ng Diyos, na nasa buong Acaya. Sumainyo nawa ang pagpapala at ang kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Purihin natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang mahabaging Ama at Diyos na pinagmumulan ng lahat ng kaaliwan. Inaaliw niya tayo sa ating mga kapighatian upang sa pamamagitan ng kaaliwang tinanggap natin sa kanya ay makatulong naman tayo sa mga nahahapis. Sapagkat kung gaano karami ang aming paghihirap dahil sa aming pakikipag-isa kay Cristo, gayundin naman karami ang aming kaaliwan kay Cristo. Kung naghihirap man kami, ito'y para sa ikaaaliw at ikaliligtas ninyo. Kapag naaaliw kami, kayo ma'y naaaliw rin at lumalakas upang inyong matiis ang mga kapighatiang dinaranas ninyo tulad namin. Kaya't matibay ang aming pag-asa para sa inyo, sapagkat alam naming kung paanong kahati kayo sa aming kahirapan, magiging kahati rin kayo sa aming kaaliwan. Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang mga kapighatiang dinanas namin sa Asia. Napakabigat ng aming dinanas, anupa't akala namin ay mamamatay na kami. Para kaming hinatulan ng kamatayan. Subalit nangyari iyon upang huwag kaming manalig sa aming sarili, kundi sa Diyos na muling bumubuhay sa mga patay. Iniligtas niya kami sa malagim na kamatayan, at patuloy na ililigtas. Kami'y umaasa rin na patuloy niya kaming ililigtas sa tulong ng inyong mga panalangin. Sa gayon, marami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa pagpapala niya sa amin bilang tugon sa panalangin ng marami. Ito ang aming ipinagmamalaki at pinapatunayan naman ng aming budhi: tapat at walang pagkukunwari ang aming pakikisama sa lahat, lalo na sa inyo. Subalit nagawa namin ito sa tulong ng Diyos at hindi sa pamamagitan ng karunungan ng tao. Isinulat namin sa inyo iyon lamang kaya ninyong basahin at unawain. Gayon pa man, hindi pa rin ninyo kami lubos na maunawaan. Ngunit umaasa akong mauunawaan din ninyo kami, upang sa araw ng ating Panginoong Jesus ay maipagmalaki ninyo kami kung paanong ipinagmamalaki namin kayo. Dahil sa natitiyak ko ito, binalak kong pumunta muna diyan upang lalo kayong pagpalain. Binalak kong dalawin muna kayo diyan bago pumunta sa Macedonia, at dumaan muli sa pagbabalik ko galing doon upang matulungan ninyo ako sa pagpunta ko sa Judea. Ako ba'y nagdadalawang-isip nang balakin ko ito? Ako ba'y nagpaplanong tulad ng mga taga-sanlibutan, na nagsasabi ng “Oo” at pagkatapos ay hindi naman pala? Kung paanong ang Diyos ay tapat, gayundin ang salita ko sa inyo, ang “Oo” ko ngayon ay mananatiling “Oo”. Ang Anak ng Diyos, na si Jesu-Cristo, na ipinangaral namin nina Silvano at Timoteo, ay hindi “Oo” at “Hindi” dahil lagi siyang “Oo,” sapagkat kay Cristo, ang lahat ng pangako ng Diyos ay palaging “Oo”. Dahil sa kanya, nakakasagot tayo ng “Amen” para sa ikaluluwalhati ng Diyos. Ang Diyos ang nagpapatibay sa amin at sa inyo sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo, at siya rin ang humirang sa amin. Nilagyan niya kami ng kanyang tatak at pinagkalooban ng kanyang Espiritu bilang patunay na tutuparin niya ang kanyang mga ipinangako. Saksi ko ang Diyos, alam niya ang laman ng aking puso. Hindi muna ako pumunta riyan sa Corinto sapagkat kayo rin ang inaalala ko. Hindi sa nais naming pangunahan kayo sapagkat alam naming sinisikap ninyong maging matatag sa pananampalataya. Nais lamang naming tumulong upang maging maligaya kayo. Sapagkat ipinasya kong huwag na munang pumunta riyan upang hindi kayo muling madulutan ng kalungkutan. Dahil kung dudulutan ko kayo ng kalungkutan, sino pa ang aaliw sa akin? Hindi ba't kayo rin? Kaya sumulat muna ako sa inyo, ayaw kong sa pagpunta ko riyan ay dulutan ng lungkot ang mga taong dapat magpaligaya sa akin. Sapagkat natitiyak kong ang aking kaligayahan ay kaligayahan din ninyong lahat. Ang puso ko'y puno ng kalungkutan at pag-aalala nang sulatan ko kayo, at maraming luha ang tumulo habang sinusulat ko iyon. Sumulat ako sa inyo hindi upang kayo'y dulutan ng kalungkutan kundi upang ipadama kung gaano kalaki ang aking pagmamahal sa inyo. Kung may nagdulot ng kalungkutan kaninuman, hindi ito sa akin ginawa; hindi sa pinalalaki ko ang bagay na ito, pero ang totoo, kayong lahat ang dinulutan niya ng kalungkutan. Sapat na ang parusang iginawad sa kanya ng nakararami sa inyo. Dapat na ninyo siyang patawarin at aliwin upang hindi naman siya tuluyang masiraan ng loob. Kaya nakikiusap akong ipadama ninyo sa kanya na siya'y mahal pa rin ninyo. Ang isa pang dahilan ng pagsulat ko sa inyo noon ay upang subukin kayo at alamin kung sinusunod ninyo ang lahat ng ipinangaral ko sa inyo. Ang sinumang pinatawad ninyo ay pinatawad ko na rin. Ang pinatawad ko, kung mayroon man akong dapat patawarin, ay pinatawad ko na sa harapan ni Cristo alang-alang sa inyo, upang hindi tayo malinlang ni Satanas at hindi naman lingid sa atin ang gusto niyang mangyari. Nang dumating ako sa Troas upang mangaral ng Magandang Balita tungkol kay Cristo, binigyan ako ng Panginoon ng magandang pagkakataon upang maisagawa iyon. Ngunit hindi rin ako mapanatag sapagkat hindi ko natagpuan doon si Tito na ating kapatid. Kaya ako'y nagpaalam sa mga tagaroon at nagtuloy sa Macedonia. Ngunit salamat sa Diyos at lagi niya kaming isinasama sa parada ng tagumpay ni Cristo, dahil sa aming pakikipag-isa sa kanya. At sa pamamagitan namin ay pinalalaganap ng Diyos sa lahat ng dako ang mabangong halimuyak ng pagkakilala sa kanya. Para kaming mabangong samyo ng insensong inihahandog ni Cristo sa Diyos at nalalanghap naman ng mga naliligtas at ng mga napapahamak. Sa mga napapahamak, ito'y parang alingasaw na nakamamatay, ngunit sa mga naliligtas, ito'y halimuyak na nagdudulot ng buhay. Sino ang may sapat na kakayahang gumawa ng mga bagay na ito? Hindi kami katulad ng iba riyan na kinakalakal ang salita ng Diyos. Sa halip, bilang sugo ng Diyos at lingkod ni Cristo, buong katapatang ipinapangaral namin ito. Akala ba ninyo'y pinupuri na naman namin ang aming sarili? Kami ba'y tulad ng iba na nangangailangan pa ng rekomendasyon para sa inyo o mula sa inyo? Kayo na mismo ang aming rekomendasyon, kayo na nakasulat sa aming puso at makikilala at mababasa ng lahat. Maliwanag na kayo ang sulat ni Cristo, ang sulat na ipinadala niya sa pamamagitan namin, hindi nakasulat sa pamamagitan ng tinta, kundi isinulat ng Espiritu ng Diyos na buháy, at hindi sa mga tapyas na bato kundi sa puso ng mga tao. Nasasabi namin ito dahil kami ay may pagtitiwala sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo. Kung sa aming sarili lamang ay wala kaming kakayahang gawin ito; subalit ang aming kakayahan ay kaloob ng Diyos. Binigyan niya kami ng kakayahang maging lingkod ng bagong tipan, isang kasunduang hindi nababatay sa kautusang nakasulat kundi sa Espiritu. Sapagkat ang kautusang nakasulat ay nagdudulot ng kamatayan, ngunit ang Espiritu'y nagbibigay-buhay. Nang ibigay ang Kautusang nakaukit sa mga tapyas ng bato, nahayag ang kaluwalhatian ng Diyos, kaya nga hindi matingnan ng mga Israelita ang mukha ni Moises kahit na ang liwanag na iyon sa mukha niya ay pansamantala lamang. Kung ang paglilingkod na batay sa Kautusang nakaukit sa bato, at nagdadala ng kamatayan, ay dumating na may kalakip na gayong kaluwalhatian, gaano pa kaya ang kaluwalhatian ng paglilingkod ayon sa Espiritu? Kung may kaluwalhatian ang paglilingkod na nagdudulot ng hatol na kamatayan, lalo pang maluwalhati ang paglilingkod na nagdudulot ng pagpapawalang-sala. Dahil dito, masasabi nating ang dating kaluwalhatian ay wala na, sapagkat napalitan na ito ng higit na maluwalhati. Kung may kaluwalhatian ang lumilipas, lalong higit ang kaluwalhatian ng nananatili magpakailanman. Dahil sa pag-asa naming iyan, malakas ang aming loob. Hindi kami tulad ni Moises na nagtalukbong ng mukha para hindi makita ng mga Israelita ang paglipas ng kaluwalhatiang iyon. Ngunit naging matigas ang kanilang ulo kaya't hanggang ngayo'y nananatili ang talukbong na iyon habang binabasa nila ang lumang tipan. Maaalis lamang ang talukbong na iyon sa pakikipag-isa kay Cristo. Hanggang ngayon, may talukbong pa ang kanilang isip tuwing babasahin nila ang mga aklat ni Moises. Ngunit kapag lumapit ang tao sa Panginoon, naaalis ang talukbong. Ang Panginoong binabanggit dito ay ang Espiritu, at ang Espiritu ng Panginoon ang nagbibigay sa atin ng kalayaan. At ngayong naalis na ang talukbong, nagniningning sa ating mga mukha ang kaluwalhatian ng Panginoon. At ang kaluwalhatiang iyan na nagmumula sa Panginoon, na siyang Espiritu, ang siyang magbabago sa atin mula sa isang antas ng kaluwalhatian hanggang tayo'y maging kalarawan niya. Dahil sa habag ng Diyos, ibinigay niya sa amin ang paglilingkod na ito kaya't hindi humihina ang aming loob. Tinalikuran namin ang lahat ng lihim at kahiya-hiyang gawain. Hindi kami nanloloko ng mga tao, at hindi namin pinipilipit ang salita ng Diyos. Sa halip, hayagan naming ipinapangaral ang katotohanan, at ito'y alam ng Diyos. Kaya't handa kaming pahatol kaninuman. Kung may tabing pa ang Magandang Balitang ipinapahayag namin, ito'y natatabingan lamang para sa mga napapahamak. Hindi sila sumasampalataya sapagkat ang kanilang isip ay binulag ng diyos ng kasamaan sa daigdig na ito, upang hindi nila makita ang liwanag ng Magandang Balita tungkol sa kaluwalhatian ni Cristo na siyang larawan ng Diyos. Hindi namin ipinapangaral ang aming sarili, kundi si Cristo Jesus bilang Panginoon. At kami ay lingkod ninyo alang-alang kay Jesus. Sapagkat ang Diyos na nagsabing, “Mula sa kadiliman ay sisilang ang liwanag,” ay siya ring nagbigay liwanag sa aming isip upang makilala namin ang kaluwalhatian ng Diyos na nahahayag sa mukha ni Cristo. Ngunit kaming pinagkalooban ng kayamanang espirituwal na ito ay hamak na sisidlan lamang tulad ng mga palayok, upang ipakilalang ang dakilang kapangyarihang ito ay sa Diyos, at hindi sa amin. Kabi-kabilaan ang pagpapahirap sa amin, ngunit di kami nalulupig. Kung minsa'y nababagabag kami, ngunit di nawawalan ng pag-asa. Inuusig kami, ngunit hindi kami pinababayaan ng Panginoon. Napapabagsak kami, ngunit di tuluyang napapatay. Lagi naming taglay sa aming katawan ang kamatayan ni Jesus, upang sa pamamagitan ng aming katawan ay mahayag ang kanyang buhay. Habang kami'y nabubuhay, lagi kaming nabibingit sa kamatayan alang-alang kay Jesus upang sa aming katawang may kamatayan ay mahayag ang kanyang buhay. At habang kami'y dahan-dahang namamatay, kayo nama'y nagkakaroon ng buhay. Sinasabi ng kasulatan, “Nagsalita ako sapagkat ako'y sumampalataya.” Sa ganoon ding diwa ng pananampalataya, nagsasalita kami dahil kami'y sumasampalataya. Sapagkat alam naming ang Diyos na muling bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa amin kasama si Jesus, at magdadala sa atin sa kanyang piling. Ang lahat ng pagtitiis ko ay para sa kapakanan ninyo upang sa pagdami ng mga nakakatanggap ng mga kaloob ng Diyos, lalo pang dumami ang magpapasalamat at magpupuri sa kanya. Kaya't hindi kami nasisiraan ng loob kahit na humihina ang aming katawang-lupa; patuloy namang lumalakas ang aming espiritu araw-araw. Ang bahagya at panandaliang kapighatiang dinaranas namin ngayon ay magbubunga ng kagalakang walang hanggan at walang katulad. Kaya't ang paningin namin ay nakatuon sa mga bagay na di-nakikita, at hindi sa mga bagay na nakikita. Sapagkat panandalian lamang ang mga bagay na nakikita, ngunit walang hanggan ang mga bagay na di-nakikita. Alam nating kapag nasira na ang toldang tinatahanan natin ngayon, na tumutukoy sa ating katawang-lupa, tayo'y may tahanan sa langit na hindi kailanman masisira, isang tahanang ginawa ng Diyos, at hindi ng tao. Dumaraing tayo habang tayo'y nasa katawang ito, at labis na nananabik sa ating tahanang makalangit, upang kung mabihisan na tayo nito ay hindi tayo matagpuang hubad. Habang nakatira pa tayo sa toldang ito, tayo'y naghihinagpis at dumaraing, hindi dahil nais na nating iwaksi ang katawang panlupa, kundi dahil nais na nating mabihisan ng katawang panlangit. Sa gayon, ang buhay na may katapusan ay mapapalitan ng buhay na walang hanggan. Ang Diyos mismo ang nagtalaga sa atin para sa ganitong pagbabago, at ibinigay niya sa atin ang Espiritu bilang katibayan na ito'y matutupad. Kaya't laging malakas ang ating loob, kahit na alam nating habang tayo'y narito pa sa katawang-lupa, hindi tayo makakapasok sa tahanang inihanda ng Panginoon. Sapagkat namumuhay tayo batay sa pananampalataya sa Panginoon at hindi sa mga bagay na nakikita. Malakas nga ang loob nating iwanan ang katawang ito na ating tinatahanan ngayon, upang manirahan na sa piling ng Panginoon. Kaya naman, ang pinakananais natin ay maging kalugud-lugod sa kanya, maging nasa katawang-lupa tayo o maging nasa piling na niya. Sapagkat lahat tayo'y haharap sa hukuman ni Cristo at tatanggap ng nararapat ayon sa ating mga gawang mabuti o masama, nang tayo'y nabubuhay pa sa daigdig na ito. Kaya nga, dahil may takot kami sa Panginoon, sinisikap naming hikayatin ang mga tao na manumbalik sa kanya. Alam ng Diyos ang tunay naming pagkatao; at inaasahan kong kilalang-kilala rin ninyo ako. Hindi dahil sa nais naming ipagmalaking muli sa inyo ang aming sarili, kundi nais naming bigyan kayo ng dahilan upang kami'y maipagmalaki ninyo, nang sa gayon ay masagot ninyo ang mga taong walang ipinagmamalaki kundi ang mga bagay na panlabas at hindi ang tunay na pagkatao. Kung kami'y parang nasisiraan ng isip, iyon ay alang-alang sa Diyos. At kung matino naman kami, iyan ay para sa kapakanan ninyo. Ang pag-ibig ni Cristo ang naghahari sa amin, sapagkat natitiyak naming may isang namatay para sa lahat, kung kaya't ang lahat ay maibibilang nang patay. Namatay siya para sa lahat upang ang mga nabubuhay ngayon ay huwag nang mabuhay para sa sarili, kundi para kay Cristo na namatay at muling nabuhay para sa kanila. Kaya ngayon, ang pagtingin natin sa bawat tao ay hindi na batay sa sukatan ng tao. Noong una'y ganoon ang ating pagkakilala kay Cristo, ngunit ngayo'y hindi na. Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago. Ang Diyos ang gumawa ng lahat ng ito. Sa pamamagitan ni Cristo, ibinilang niya tayong mga kaibigan at hindi na kaaway, at pinili niya kami upang ang iba pang mga tao ay maging kaibigan rin niya. Ang ibig sabihin, sa pamamagitan ni Cristo, ang mga tao'y ibinilang ng Diyos na kaibigan, at nilimot na niya ang kanilang mga kasalanan. At kami naman ay inatasan niyang ipamalita ito. Kaya nga, kami'y mga sugo ni Cristo; ang Diyos mismo ang nakikiusap sa inyo sa pamamagitan namin. Kami'y nakikiusap sa inyo alang-alang kay Cristo; hayaan ninyong maging kaibigan kayo ng Diyos. Hindi nagkasala si Cristo, ngunit dahil sa atin, siya'y itinuring na makasalanan upang sa pamamagitan niya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos. Yamang kami'y mga katulong sa gawain ng Diyos, nakikiusap kami sa inyo na huwag ninyong sayangin ang kagandahang-loob na ibinibigay sa inyo ng Diyos. Sapagkat sinasabi niya, “Sa kaukulang panahon ay pinakinggan kita, sa araw ng pagliligtas, sinaklolohan kita.” Ngayon na ang panahong nararapat! Ito na ang araw ng pagliligtas! Iniwasan naming makagawa ng anumang ipagdaramdam ninuman upang hindi mapulaan ang aming paglilingkod. Sa halip, sinisikap namin sa lahat ng paraan na ipakilalang kami'y lingkod ng Diyos, sa pamamagitan ng matiyagang pagtitiis sa lahat ng uri ng kahirapan, kapighatian at mga kagipitan. Kami'y hinagupit, ibinilanggo at binugbog. Naranasan namin ang magtrabaho nang labis, ang di matulog magdamag, at di kumain nang ilang araw. Namuhay kami nang malinis, may kaalaman, pagtitiis, at kabutihan upang ipakilalang kami'y lingkod ng Diyos sa patnubay ng Espiritu Santo at sa pamamagitan ng aming tapat na pag-ibig, tapat na pananalita, at ng kapangyarihan ng Diyos. Ang pagiging matuwid ang siya naming sandatang panlaban at panangga. Naranasan naming maparangalan at siraan ng puri, ang laitin at papurihan. Kami'y itinuring na sinungaling, gayong totoo naman ang aming sinasabi; itinuturing na di kilala, gayong kami'y kilalang-kilala; itinuturing na namamatay na, ngunit buháy naman; pinaparusahan kami, subalit hindi kami namamatay. Inari kaming nalulungkot, ngunit laging nagagalak; mukhang naghihirap, ngunit pinapayaman namin ang marami; parang walang-wala, ngunit sagana sa lahat ng bagay. Mga kapatid na taga-Corinto, tapatan ang pagsasalita namin sa inyo. Ibinukas namin ang puso namin sa inyo. Hindi namin isinara ang aming puso sa inyo; kayo ang nagsara ng inyong puso sa amin. Ako'y nagsasalitang tulad ng isang ama, kaya buksan naman ninyo sa amin ang inyong puso, tulad ng ginagawa namin sa inyo. Huwag na kayong makipag-isa sa mga di sumasampalataya. Maaari bang magsama ang katuwiran at ang kalikuan? O kaya'y ang liwanag at ang kadiliman? Maaari bang magkasundo si Cristo at si Belial? Ano ang kaugnayan ng sumasampalataya sa di sumasampalataya? O di kaya'y ng templo ng Diyos sa diyus-diyosan? Hindi ba't tayo ang templo ng Diyos na buháy? Siya na rin ang maysabi, “Mananahan ako at mamumuhay sa piling nila. Ako ang magiging Diyos nila, at sila'y magiging bayan ko. Kaya't lumayo kayo sa kanila, humiwalay kayo sa kanila,” sabi ng Panginoon. “Huwag kayong makisama sa anumang karumihan, at tatanggapin ko kayo. Ako ang magiging ama ninyo, at kayo'y magiging mga anak ko,” sabi ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat. Mga minamahal, sapagkat ipinangako sa atin ang mga bagay na ito, alisin natin sa ating sarili ang lahat ng nakapagpaparumi sa ating katawan at sa ating espiritu. Sikapin nating mamuhay nang may ganap na kabanalan at paggalang sa Diyos. Bigyan ninyo kami ng puwang sa inyong puso. Kailanma'y hindi namin pininsala, siniraan o pinagsamantalahan ang sinuman sa inyo. Sinasabi ko ito hindi upang hatulan kayo sapagkat gaya ng sinabi ko, mahal na mahal namin kayo at magkasama tayo sa buhay at kamatayan. Lubos ang aking pagtitiwala sa inyo; lagi ko kayong ipinagmamalaki! Sa kabila ng lahat naming tinitiis, ang nadarama ko'y kaaliwan; nag-uumapaw sa puso ko ang kagalakan. Nang kami'y nasa Macedonia, hindi rin kami nakapagpahinga. Sa lahat ng pagkakataon ay naranasan namin ang matinding hirap, panunuligsa mula sa mga di-kaanib sa iglesya at takot naman na nasa aming puso. Subalit ang mga naghihinagpis ay hindi pinababayaan ng Diyos; inaliw niya kami sa pagdating ni Tito. Hindi lamang ang pagdating niya ang nakaaliw sa amin. Maging ang kabutihang ginawa ninyo sa kanya ay nakaaliw din sa amin. Ibinalita niya ang inyong pananabik na ako'y makita, ang inyong kalungkutan at pagmamalasakit sa akin, kaya't lalo akong nagalak. Hindi ko pinagsisisihan ang pagkasulat ko sa inyo kahit na nalungkot kayo dahil dito. Nalungkot nga ako nang malaman kong nasaktan kayo nang kaunti dahil sa aking sulat. Ngayon ay nagagalak na ako sapagkat ang kalungkutang iyon ang ginamit ng Diyos para akayin kayo na pagsisihan at talikuran ang inyong pagkakasala, kaya't hindi kayo napasamâ dahil sa amin. Sapagkat ang kalungkutang buhat sa Diyos ay nagbubunga ng pagsisisi at pagbabago tungo sa kaligtasan. Ngunit ang kalungkutang dulot ng mundo ay humahantong sa kamatayan. Tingnan ninyo ang ibinunga ng kalungkutang buhat sa Diyos, naging masikap kayo at masigasig na ipakilalang kayo'y walang kasalanan tungkol sa mga bagay na iyon. Namuhi kayo sa inyong sarili; nagkaroon kayo ng banal na pagkatakot; nanabik kayo sa aking pagdating; nagkaroon ng malasakit at hangaring maparusahan ang nagkasala! Ipinakita ninyo sa lahat ng paraan na kayo'y walang kinalaman sa mga bagay na iyon. Alam ng Diyos na ang pagsulat ko sa inyo ay hindi dahil sa taong nagkasala, o sa taong ginawan ng kasalanan, kundi upang makita ninyo kung gaano ang inyong pagmamalasakit sa amin. Kaya't ang ginawa ninyo ay nagdulot sa amin ng malaking kaaliwan. At nalubos ang aming kagalakan dahil sa kasiyahang nadama ni Tito sa inyong piling. Ipinagmalaki ko kayo sa kanya, at hindi naman ako napahiya. Sapagkat kung paanong lahat ng sinasabi ko sa inyo ay totoo, napatunayang totoo rin ang lahat ng sinabi ko kay Tito tungkol sa inyo. At habang iniisip niya ang inyong pagkamasunurin, lalo naman kayong napapamahal sa kanya. Hindi rin niya malimut-limutan ang magandang pagtanggap at paggalang ninyo sa kanya. Labis akong nagagalak dahil kayo'y lubos kong mapagkakatiwalaan. Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang ipinakitang kagandahang-loob ng Diyos sa mga iglesya sa Macedonia. Dumanas sila ng matinding kahirapan at ito'y isang mahigpit na pagsubok sa kanila. Ngunit sa kabila ng kanilang paghihikahos, masayang-masaya pa rin sila at bukás ang palad sa pagbibigay. Sila'y kusang-loob na nagbigay, hindi lamang sa abot ng kanilang kaya, kundi higit pa. Alam ko ito sapagkat mahigpit nilang ipinakiusap sa amin na sila'y bigyan ng pagkakataong makatulong sa mga kapatiran na taga-Jerusalem. At higit sa inaasahan namin, inilaan nila ang kanilang sarili, una sa Panginoon, at pagkatapos, sa amin, ayon sa kalooban ng Diyos. Kaya't pinakiusapan namin si Tito, dahil siya ang nagsimula ng gawaing ito, na kayo'y tulungan niya hanggang sa malubos ang pagkakawanggawa ninyong ito. Subalit habang kayo'y sumasagana sa pananampalataya, sa pagpapahayag, sa kaalaman, sa kasipagan, at sa inyong pag-ibig sa amin, sikapin din ninyong manguna sa pagkakawanggawa. Hindi sa inuutusan ko kayo. Sinasabi ko lamang sa inyo ang ginagawang pagtulong ng iba upang masubok ang katapatan ng inyong pag-ibig. Hindi kaila sa inyo ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo, kahit na mayaman, naging mahirap siya upang mapayaman kayo sa pamamagitan ng kanyang pagiging mahirap. Kaya ito ang payo ko, ipagpatuloy ninyo ang inyong pag-iipon ng kaloob na sinimulan ninyo noon pang isang taon. Kayo ang nanguna, hindi lamang sa pagsasagawa nito kundi maging sa pagpapanukala. Kaya't ituloy na ninyo ito! Ang kasigasigang ipinakita ninyo noon ay ipagpatuloy ninyo hanggang sa matapos; magbigay kayo ayon sa inyong makakaya. Sapagkat kung bukal sa kalooban ang pagbibigay, tatanggapin ng Diyos ang inyong nakayanan; hindi niya hinihintay na magbigay kayo nang hindi ninyo kaya. Hindi sa ibig kong guminhawa ang iba at mabigatan naman kayo, kundi upang matulungan ninyo ang isa't isa. Masagana kayo ngayon; marapat lamang na tulungan ninyo ang mga nangangailangan. Kung kayo naman ang mangailangan at sila'y sumagana, sila naman ang tutulong sa inyo. Sa gayon, pareho kayong nakatulong sa isa't isa. Tulad ng nasusulat, “Ang kumuha ng marami ay hindi lumabis, at ang kumuha ng kaunti ay hindi naman kinulang.” Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil binigyan niya si Tito ng pagmamalasakit tulad ng pagmamalasakit ko sa inyo. Hindi lamang niya pinaunlakan ang aming pakiusap, kundi sa kagustuhang makatulong sa inyo, nagprisinta pang siya ang pupunta riyan. Pinasama namin sa kanya ang kapatid na kilala sa lahat ng iglesya dahil sa kanyang pangangaral ng Magandang Balita. Hindi lamang iyan! Siya'y pinili ng mga iglesya upang maglakbay kasama namin at tulungan kami sa pangangasiwa sa gawaing ito. Ang ganitong paglilingkod ay para sa ikadadakila ng Panginoon, at sa aming marubdob na hangaring matulungan kayo. Nag-iingat kami upang walang masabi ang sinuman tungkol sa pangangasiwa namin sa malaking kaloob na ito. Ang layunin namin ay magawâ ang tama, hindi lamang sa paningin ng Panginoon kundi maging sa paningin ng mga tao. Kaya isinusugo naming kasama nila ang isa pa nating kapatid na subok na namin sa maraming pagkakataon, at lalong masigasig sa pagtulong ngayon dahil sa malaking tiwala niya sa inyo. Tungkol kay Tito, siya ang kasama ko at kamanggagawa sa pagtulong sa inyo. Tungkol naman sa mga kapatid na kasama niya, sila'y mga apostol ng mga iglesya sa ikararangal ni Cristo. Kaya't ipadama ninyo sa kanila ang matapat ninyong pag-ibig upang makita ng mga iglesya na hindi kami nagkamali sa pagmamalaki tungkol sa inyo. Hindi na kailangang sumulat pa ako sa inyo tungkol sa pagtulong sa mga kapatid sa iglesya sa Judea. Alam kong handa na kayong tumulong, kaya't ipinagmamalaki ko kayo sa mga taga-Macedonia. Ang sabi ko'y handa na kayong mga taga-Acaya noon pang nakaraang taon, at dahil dito'y lalo silang sumigla sa pagtulong. Kaya't pinauna ko riyan ang mga kapatid na ito upang hindi kami mapahiya sa aming pagmamalaki tungkol sa inyo, at nang maihanda na ninyo ang inyong tulong, gaya ng sinabi ko. Baka kami mapahiya, huwag nang sabihing pati kayo, kung may mga taga-Macedonia na sumama sa akin at makita nilang hindi pala kayo handa. Kaya't pinakiusapan ko ang mga kapatid na mauna riyan, upang maihanda ang tulong na ipinangako ninyo. Sa gayon, makikita na talagang kusang-loob ang pagbibigay ninyo at hindi sapilitan. Tandaan ninyo ito: ang nagtatanim ng kakaunti ay aani ng kakaunti, at ang nagtatanim naman ng marami ay aani ng marami. Ang bawat isa'y dapat magbigay ayon sa sariling pasya, maluwag sa loob at di napipilitan lamang, sapagkat iniibig ng Diyos ang kusang nagbibigay nang may kagalakan. Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay, at higit pa sa inyong pangangailangan, upang may magamit kayo sa pagkakawanggawa. Tulad ng nasusulat, “Siya'y nagbibigay nang libre sa mga dukha; ang kanyang katuwiran ay walang hanggan.” Ang Diyos na nagbibigay ng binhing itatanim at tinapay na makakain, ang siya ring magbibigay sa inyo ng binhi, at magpapalago nito upang magbunga nang sagana ang inyong kabutihang-loob. Pasasaganain niya kayo sa lahat ng bagay upang mas marami ang inyong matulungan. Sa gayon, lalong darami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa inyong tulong na dadalhin namin sa kanila. Ang pagtulong ninyong ito sa mga kapatid ay hindi lamang makakatugon sa kanilang pangangailangan, kundi magiging dahilan pa ng walang hanggang pagpapasalamat nila sa Diyos. Ang bukás-palad ninyong pagbibigay sa kanila at sa lahat ang siyang magpapatunay na matapat ninyong sinusunod ang Magandang Balita ni Cristo. Dahil diyan, magpupuri sila sa Diyos. Kaya't buong pagmamahal nila kayong ipapanalangin, dahil sa dakilang kaloob ng Diyos sa inyo. Salamat sa Diyos dahil sa kanyang kaloob na walang kapantay! Akong si Pablo, na ang sabi ng ilan ay mapagpakumbabá at mabait kapag kaharap ninyo ngunit matapang kapag malayo, ay nakikiusap sa inyo, alang-alang sa kababaang-loob at kabutihan ni Cristo. Ipinapakiusap kong huwag ninyo akong piliting magsalita nang mabigat, pagdating ko riyan, dahil kaya kong gawin iyon sa mga nagsasabing kami'y namumuhay ayon sa pamamaraan ng mundong ito. Kung nabubuhay man kami sa mundong ito, hindi naman kami nakikipaglaban ayon sa pamamaraan ng mundong ito. Ang sandatang ginamit namin sa pakikipaglaban ay hindi sandatang makamundo, kundi ang kapangyarihan ng Diyos na nakakapagpabagsak ng mga kuta. Sinisira namin ang mga maling pangangatuwiran, ginagapi namin ang lahat ng pagmamataas laban sa kaalaman tungkol sa Diyos, at binibihag namin ang lahat ng isipan upang matutong sumunod kay Cristo. At kung lubusan na kayong sumusunod, nakahanda kaming parusahan ang lahat ng sumusuway. Ang mga bagay na panlabas lamang ang tinitingnan ninyo. Kung naniniwala ang sinuman na siya'y nakipag-isa kay Cristo, isipin niyang kami man, tulad niya, ay nakipag-isa rin kay Cristo. Ipagmalaki ko man ang kapangyarihang ibinigay sa amin ng Diyos sa ikakatibay ninyo at hindi sa ikapapahamak, hindi ako mapapahiya. Huwag ninyong isiping tinatakot ko kayo sa sulat kong ito. Sinasabi ng ilan na sa sulat lamang ako matapang, ngunit sa harapan nama'y walang magawâ. Dapat malaman ng mga taong nagsasabi ng ganyan na kung ano ang sinasabi namin sa sulat ngayong malayo kami, ay siya rin naming gagawin kapag kaharap na ninyo kami. Hindi namin ipapantay, o ihahambing man lamang, ang aming sarili sa ilang nagbubuhat ng sariling bangko. Napakahangal nila! Ang sarili rin nila ang ginagawa nilang sukatan at parisan ng kanilang sarili! Hindi kami lalampas sa hangganang ibinigay sa akin ng Diyos, ang gawaing inilaan niya sa amin, kasama na ang pangangaral namin sa inyo. Hindi kami naging palalo nang kami'y pumunta riyan sa inyo. Hindi ba't kami ang unang pumariyan at nagdala sa inyo ng Magandang Balita tungkol kay Cristo? Hindi namin ipinagyayabang ang pinaghirapan ng iba. Umaasa kaming tatatag ang inyong pananampalataya sa Diyos, at dahil diyan ay lalawak ang aming gawain sa inyo, ngunit hindi naman lalampas sa hangganang inilagay ng Diyos. Sa gayon, maipapangaral naman namin ang Magandang Balita sa ibang mga lupain. At hindi namin aangkinin ang ginawa ng iba. Tulad ng sinasabi sa kasulatan, “Kung may nais magmalaki, ang ipagmalaki niya'y ang ginawa ng Panginoon.” Ang pinaparangalan ng Panginoon ay ang mga taong karapat-dapat sa kanyang kalooban at hindi ang pumupuri sa sarili. Ipagpaumanhin ninyo kung ako'y nag-uugaling hangal. Ang pagmamalasakit ko sa inyo ay katulad ng pagmamalasakit ng Diyos. Ang katulad ninyo ay isang malinis na dalagang ipinakipagtipan ko sa isang lalaki, walang iba kundi si Cristo. Ngunit nag-aalala akong baka malason ang inyong isipan at mailayô kayo sa tapat at dalisay na pananampalataya kay Cristo, tulad ni Eva na nalinlang ng ahas. Sapagkat malugod ninyong tinatanggap ang sinumang dumarating at nangangaral ng ibang Jesus kaysa sa ipinangaral namin. Tinatanggap ninyo ang espiritu at aral na iba sa itinuro namin sa inyo. Palagay ko nama'y hindi ako pahuhuli sa magagaling na mga “apostol” na iyan. Maaaring hindi ako mahusay magsalita, ngunit hindi naman kapos sa kaalaman. Pinatunayan ko ito sa inyo sa lahat ng pagkakataon. Ipinangaral ko sa inyo ang Magandang Balita ngunit hindi ako humingi ng kabayaran. Ako'y nagpakababá upang maitaas kayo. Masasabi bang kasalanan ang ginawa kong ito? Ibang iglesya ang nagbibigay sa akin ng mga kailangan ko noong ako'y naglilingkod sa inyo; parang inaagawan ko sila, matulungan lamang kayo. At nang ako'y kapusin diyan, hindi ako nakabigat kaninuman sa inyo sapagkat dinalhan ako ng tulong ng mga kapatid sa Macedonia. Mula't sapul ay iniwasan kong makabigat sa inyo sa anumang paraan, at iyan ang gagawin ko habang panahon. Habang ang katotohanan ni Cristo ay nasa akin, hindi ako titigil sa pagmamalaking ito kahit saan diyan sa Acaya. Bakit ko ginagawa ito? Dahil ba sa hindi ko kayo mahal? Alam ng Diyos kung gaano ko kayo kamahal! Ngunit patuloy kong gagawin ang ginagawa ko ngayon, upang huwag magkaroon ng katuwiran ang mga namamalita na ang paglilingkod nila ay tulad ng aming ginagawa. Hindi sila tunay na apostol, kundi mga nandaraya lamang at nagkukunwaring mga apostol ni Cristo. Hindi ito dapat pagtakhan sapagkat si Satanas man ay maaaring magkunwaring anghel ng kaliwanagan. Kaya, hindi kataka-taka na magkunwaring lingkod ng katuwiran ang kanyang mga lingkod. Ang kanilang kahihinatnan ay ayon lamang sa kanilang mga gawa. Inuulit ko, huwag isipin ninuman na ako'y hangal. Ngunit kung ganoon ang akala ninyo, tatanggapin ko na, upang ako man ay makapagyabang tulad ng isang hangal. Ang sinasabi ko sa pagmamalaking ito ay hindi buhat sa Panginoon kundi pagyayabang ng isang hangal. Dahil marami ang nagyayabang tungkol sa mga bagay na makalupa, ako man ay magyayabang din. Nagtitiyaga kayo sa mga hangal na iyan, palibhasa'y matatalino kayo! Pinapagtiisan ninyong kayo'y alipinin, sakmalin, pagsamantalahan, maliitin, o sampalin. Kahiya-hiya man ay aaminin kong hindi namin kayang gawin iyan! Kung may nakapagyayabang, ako'y makapagyayabang din at ako'y nakapagsasalita tulad ng isang hangal. Sila ba'y Hebreo? Ako man ay Hebreo rin. Mga Israelita ba sila? Ako rin ay isang Israelita. Ninuno ba nila si Abraham? Ako'y ganoon din. Sila ba'y mga lingkod ni Cristo? Nagsasalita akong parang isang baliw, ngunit ako'y mas mabuting lingkod ni Cristo kaysa kanila. Higit ang aking paghihirap kaysa sa kanila; makailang ulit akong nabilanggo, hinagupit nang maraming beses, at madalas na nabingit sa kamatayan. Limang beses akong tumanggap ng tatlumpu't siyam na hagupit mula sa mga Judio; tatlong ulit kong naranasang hagupitin ng mga Romano, at minsan namang binato. Tatlong beses kong naranasang mawasak ang barkong aking sinasakyan, at minsa'y maghapo't magdamag akong lulutang-lutang sa dagat. Sa malimit kong paglalakbay, nalagay ako sa iba't ibang panganib sa mga ilog, sa mga tulisan, sa mga kapwa ko Judio at sa mga Hentil; mga panganib sa lunsod, sa ilang, sa dagat, sa mga nagpapanggap na mananampalataya. Naranasan ko rin ang labis na hirap at pagod, malimit na pagpupuyat, at matinding gutom at uhaw. Naranasan ko ang ginawin ngunit wala man lamang maibalabal. Bukod sa lahat ng iyan ay inaalala ko pa araw-araw ang mga iglesya. Kung may nanghihina, karamay nila ako, at kung may nahuhulog sa pagkakasala, labis na naghihirap ang aking kalooban. Kung kailangang ako'y magyabang, ang ipagyayabang ko'y ang aking mga kahinaan. Hindi ako nagsisinungaling. Iya'y alam ng Diyos at Ama ng Panginoong Jesus. Purihin siya magpakailanman! Nang ako'y nasa Damasco, ang pintuan ng lunsod ay pinabantayan ng gobernador na nasasakop ni Haring Aretas upang ipahuli ako. Ngunit isinakay ako sa isang malaking basket at ibinabâ sa kabila ng pader upang ako'y makatakas. Kailangan kong magmalaki, kahit na wala akong mapapala sa paggawa nito. Ang sasabihin ko naman ngayo'y ang mga pangitain at mga pahayag mula sa Panginoon. May kilala akong isang Cristiano na dinala sa ikatlong langit, labing-apat na taon na ang nakakalipas. Hindi ko lang matiyak kung iyo'y isang pangitain lamang, o tunay na pangyayari; ang Diyos lamang ang nakakaalam. Inuulit ko, siya'y dinala sa Paraiso. At tulad ng sabi ko, ang Diyos lamang ang nakakaalam kung ito nga'y isang pangitain o tunay na pangyayari. Nakarinig siya roon ng mga bagay na di kayang ilarawan ng salita at di dapat bigkasin ninuman. Ipagmamalaki ko ang taong iyon, at hindi ang aking sarili, maliban sa aking mga kahinaan. At kung ako'y magmalaki man, hindi ako lalabas na hangal, sapagkat totoo ang sasabihin ko. Ngunit hindi ko ito gagawin, sapagkat ayaw kong mag-isip ang sinuman nang higit tungkol sa akin kaysa kanyang nakita o narinig sa akin. Ngunit upang hindi ko ipagyabang ang kamangha-manghang pahayag ng Diyos sa akin, ako'y binigyan ng isang kapansanan sa katawan na nagsisilbing sugo ni Satanas upang pahirapan ako, at nang sa gayo'y hindi ako maging palalo. Tatlong beses kong idinalangin sa Panginoon na alisin ito, ngunit ganito ang kanyang sagot, “Ang pagpapala ko ay sapat sa lahat ng pangangailangan mo; lalong nahahayag ang aking kapangyarihan kung ikaw ay mahina.” Kaya't buong galak kong ipagmamalaki ang aking mga kahinaan upang lalo kong madama ang kapangyarihan ni Cristo. Dahil kay Cristo, walang halaga sa akin kung ako ma'y mahina, kutyain, pahirapan, usigin at magtiis. Sapagkat kung kailan ako lalong mahina, saka naman ako nagiging malakas. Ako'y nag-asal hangal, ngunit kayo ang nagtulak sa aking gumawa niyon. Kayo sana ang dapat pumuri sa akin, dahil kahit na wala akong kabuluhan, hindi naman ako nahuhuli sa magagaling na apostol na iyan. Buong tiyaga kong pinatotohanan sa inyo na ako'y isang tunay na apostol sa pamamagitan ng mga himala at iba pang mga kamangha-manghang bagay. Paano nakalamang sa inyo ang ibang mga iglesya? Hindi sila nakalamang, liban sa pangyayaring hindi ako humingi sa inyo ng kahit anong tulong. Ipagpatawad ninyo kung iyon ay isang pagkukulang. Ito ang ikatlong pagpunta ko riyan, at hindi ako naging pabigat sa inyo. Kayo ang nais ko, hindi ang inyong ari-arian. Ang mga magulang ang dapat mag-impok para sa mga anak, at hindi ang mga anak para sa mga magulang. At ikaliligaya kong gugulin ang lahat, at ihandog pati ang aking buhay para sa inyong kapakanan. Dahil ba sa kayo'y minahal ko nang labis, kaya kaunti ang pagmamahal ninyo sa akin? Alam ninyong hindi ako nakabigat kaninuman sa inyo. Subalit sinasabi ng ilan na ako'y tuso at nandaraya lamang sa inyo. Bakit? Pinagsamantalahan ko ba ang inyong kabutihan sa pamamagitan ng mga isinugo ko riyan? Pinakiusapan ko si Tito na pumunta riyan at pinasama ko sa kanya ang isang kapatid. Si Tito ba'y nagsamantala sa inyo? Hindi ba't namuhay kami ayon sa iisang Espiritu, at iisa ang aming pamamaraan? Akala ba ninyo'y ipinagtatanggol namin ang aming sarili? Hindi! Nagsasalita kami sa harapan ng Diyos ayon sa kalooban ni Cristo. Mga minamahal, lahat ng ginagawa namin ay para sa ikabubuti ninyo. Nangangamba akong baka pagpunta ko riyan ay may makita ako sa inyong hindi ko magustuhan, at kayo naman ay may makita sa aking hindi ninyo magustuhan. Baka ang matagpuan ko'y pag-aaway-away, pag-iinggitan, pag-aalitan, pagmamaramot, pagsisiraan, pagtsitsismisan, pagmamataas at kaguluhan. Nangangamba ako na pagpunta kong muli riyan, hiyain ako ng aking Diyos sa harapan ninyo, at itatangis ko ang karumihan, pakikiapid at kahalayang hindi pa ninyo pinagsisiha't tinatalikuran. Ito ang ikatlong pagpunta ko riyan. “Ang anumang sumbong ay kailangang patunayan ng dalawa o tatlong saksi,” gaya ng sinasabi ng kasulatan. Ngayong ako'y malayo, inuulit ko sa mga nagkasala, at sa iba pa, ang sinabi ko noong pangalawang dalaw ko; hindi ako mag-aatubiling parusahan sila pagdating ko riyan. Gagawin ko ito upang patunayan sa inyong si Cristo ay nagsasalita sa pamamagitan ko. Hindi siya mahina sa pakikitungo sa inyo, kundi makapangyarihan. Kahit na siya'y mahina nang ipako sa krus, nabubuhay siya ngayon sa kapangyarihan ng Diyos. Dahil sa pakikipag-isa namin sa kanya, kami'y mahina rin, ngunit sa pakikitungo sa inyo, kami ay nabubuhay na kasama niya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Subukin ninyo ang inyong mga sarili kung kayo'y namumuhay ayon sa pananampalataya. Suriin ninyo ang inyong sarili. Hindi ba ninyo nalalamang nasa inyo si Cristo Jesus? Maliban na lang kung kayo'y mga bigo sa pagsubok. Umaasa akong makikita rin ninyo na hindi kami bigo. Idinadalangin namin sa Diyos na sana'y huwag kayong gumawa ng masama, hindi upang palabasing kami'y tama, kundi upang makagawa kayo ng mabuti, kahit lumitaw na kami'y mali. Sapagkat hindi namin maaaring kalabanin ang katotohanan; wala kaming magagawa kundi tanggapin ito. Kami'y nagagalak na maging mahihina kung kayo naman ay lalakas. Kaya't idinadalangin rin naming kayo'y maging ganap. Isinusulat ko ang mga bagay na ito habang ako'y wala pa riyan upang sa aking pagdating, hindi na kailangan pang magpakita ako ng bagsik sa paggamit ng kapangyarihang ibinigay sa akin ng Panginoon. Ang kapangyarihang ito'y ibinigay sa akin para sa ikakatibay, hindi para sa ikasisira ninyo. Mga kapatid, hanggang dito na lamang, at paalam na sa inyo. Sikapin ninyong maging ganap at sundin ninyo ang mga payo ko; magkaisa na kayo, at mamuhay nang payapa. Sa gayon, sasainyo ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan. Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Cristo. Kinukumusta kayo ng lahat ng mga kapatid sa iglesya. Nawa'y sumainyong lahat ang pagpapala ng Panginoong Jesu-Cristo, at ang pag-ibig ng Diyos, at ang pakikisama ng Espiritu Santo. Mula kay Pablo na hinirang na apostol, hindi ng tao o sa pamamagitan ng tao, kundi ni Jesu-Cristo at ng Diyos Ama na muling bumuhay kay Jesus. Ang lahat ng kapatid na naririto ay kasama kong bumabati sa mga iglesya sa Galacia: Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos Ama at sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Inialay ni Jesu-Cristo ang kanyang sarili dahil sa ating kasalanan ayon sa kalooban ng ating Diyos Ama upang mahango tayo sa kasamaang naghahari ngayon sa sanlibutang ito. Purihin ang Diyos magpakailanman! Amen. Nagtataka ako kung bakit kay dali ninyong tumalikod sa Diyos na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng kagandahang-loob ni Cristo at kayo'y bumaling agad sa ibang magandang balita. Ang totoo'y wala namang ibang magandang balita; kaya nga lamang, may mga nanggugulo sa inyo at nagsisikap na baguhin ang Magandang Balita ni Cristo. Subalit parusahan nawa ng Diyos ang sinuman, maging kami o isang anghel man na mula sa langit, na mangaral sa inyo ng Magandang Balita na iba sa ipinangaral na namin sa inyo. Sinabi na namin ito sa inyo, at inuulit ko ngayon, parusahan nawa ng Diyos ang sinumang mangaral sa inyo ng Magandang Balita na naiiba kaysa tinanggap na ninyo. Bakit ko sinasabi ito, dahil ba sa nais kong mapuri ng tao? Hindi! Ang papuri lamang ng Diyos ang tangi kong hinahangad. Sinisikap ko bang magbigay-lugod sa tao? Hindi! Kung iyan ang talagang hangad ko, hindi na sana ako naging alipin ni Cristo. Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ang Magandang Balitang ipinangaral ko'y hindi katha ng tao. Hindi ko ito tinanggap mula sa tao, at hindi rin itinuro sa akin ng sinumang tao. Si Jesu-Cristo mismo ang naghayag nito sa akin. Hindi kaila sa inyo kung paano ako namuhay noon bilang masugid na kaanib ng relihiyon ng mga Judio. Walang awa kong inusig ang iglesya ng Diyos at sinikap na ito'y wasakin. Sa relihiyong iyon, ako'y naging masugid nang higit sa maraming Judiong kasing-edad ko, dahil ako'y panatiko sa kaugalian ng aming mga ninuno. Ngunit sa kagandahang-loob ng Diyos, minabuti niyang ako'y piliin bago pa ako ipanganak, at tinawag niya ako upang maging isang lingkod niya. At nang ihayag sa akin ang kanyang Anak, upang maipangaral ko siya sa mga Hentil, hindi ako humingi ng payo kaninuman. Ni hindi rin ako nagpunta sa Jerusalem upang makipagkita sa mga apostol na nauna sa akin; sa halip, nagpunta ako sa Arabia, at pagkatapos ay bumalik ako sa Damasco. Pagkaraan ng tatlong taon, pumunta ako sa Jerusalem upang makipag-usap kay Pedro, at labinlimang araw kaming nagkasama. Wala akong nakitang iba pang apostol maliban kay Santiago na kapatid ng Panginoon. Totoong lahat ang isinusulat ko sa inyo. Alam ng Diyos na hindi ako nagsisinungaling. Pagkatapos, pumunta ako sa ilang lugar sa Siria at sa Cilicia. Hindi pa ako kilala noon ng mga Cristiano sa Judea. Nakarating lamang sa kanila ang ganitong balita, “Ang dating umuusig sa atin ay nangangaral na ngayon ng pananampalatayang dati'y sinikap niyang wasakin.” Kaya't nagpuri sila sa Diyos dahil sa akin. Makalipas ang labing-apat na taon, muli akong pumunta sa Jerusalem kasama si Bernabe. Isinama ko rin si Tito. Bumalik ako sapagkat inihayag sa akin ng Diyos na dapat akong pumunta doon. Nakipagpulong ako nang sarilinan sa mga kinikilalang pinuno ng iglesya, at inilahad ko sa kanila ang Magandang Balitang ipinapangaral ko sa mga Hentil. Ginawa ko ito dahil ayaw kong mawalan ng kabuluhan ang aking ginawa at ginagawa pa. Kahit na isang Griego ang kasama kong si Tito, hindi nila pinilit na magpatuli ito kahit may ilang nagkukunwaring mananampalataya na nagtangka ng gayon. Nakihalubilo sila sa amin upang manmanan ang kalayaang taglay natin kay Cristo Jesus, upang kami'y muli nilang maalipin. Hindi kami nagpailalim sa kanilang kagustuhan kahit isang saglit, upang maingatan namin para sa inyo ang tunay na kahulugan ng Magandang Balita. Ngunit walang idinagdag sa aking ipinapangaral ang mga kinikilalang pinuno; hindi mahalaga sa akin kung sino man sila, sapagkat walang itinatangi ang Diyos. Sa halip, kinilala nila na ako'y pinili ng Diyos upang mangaral ng Magandang Balita sa mga Hentil, tulad ni Pedro na pinili naman upang mangaral ng Magandang Balita sa mga Judio. Ang Diyos na nagbigay ng kapangyarihan kay Pedro na mangaral sa mga Judio ang siya ring nagbigay sa akin ng kapangyarihang mangaral sa mga Hentil. Nakita nina Santiago, Pedro at Juan, na mga kinikilalang haligi ng iglesya, na ako'y talagang binigyan ng tanging tungkulin na ito, kaya't tinanggap nila kami ni Bernabe bilang mga kamanggagawa. Pinagkasunduan namin na kami'y sa mga Hentil mangangaral at sila nama'y sa mga Judio. Ang hiling lamang nila ay huwag naming pababayaan ang mga dukha, at talaga namang patuloy ko itong ginagawa. Nang si Pedro ay nasa Antioquia, harapan kong sinabi sa kanya na mali ang kanyang ginagawa, dahil bago dumating ang ilang sugo ni Santiago, siya'y nakikisalo sa mga Hentil. Subalit nang dumating na ang mga iyon, lumayo na siya at hindi na nakisalo sa mga Hentil dahil sa takot niya sa pangkat ng mga Judio na nagbibigay diin sa pagtutuli. At gumaya naman sa kanya ang ibang mga kapatid doon na mga Judio; pati si Bernabe ay natangay ng kanilang pagkukunwari. Nang makita kong ang kanilang ikinikilos ay hindi ayon sa tunay na diwa ng Magandang Balita, sinabi ko kay Pedro sa harap nilang lahat, “Kung ikaw na isang Judio ay namumuhay na parang Hentil at di bilang Judio, bakit mo ngayon pinipilit ang mga Hentil na mamuhay gaya ng mga Judio?” Kami'y ipinanganak na Judio, at hindi makasalanang Hentil. Gayunman, alam naming ang tao'y pinapawalang-sala dahil sa pananampalataya kay Jesu-Cristo, at hindi dahil sa pagsunod sa Kautusan. Kaya't kami rin ay sumasampalataya kay Cristo Jesus upang mapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya, at hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Sapagkat ang tao'y hindi pinapawalang-sala dahil sa pagsunod sa Kautusan. Ngunit kung kaming nagsisikap na mapawalang-sala sa pamamagitan ni Cristo ay matagpuang makasalanan pa, nangangahulugan bang si Cristo ay tagapagtaguyod ng kasalanan? Hinding-hindi! Ngunit kung itatayo kong muli ang winasak ko na, ipinapakita kong makasalanan nga ako. Ako'y namatay na sa Kautusan sa pamamagitan rin ng Kautusan upang ngayo'y mabuhay para sa Diyos. Namatay na akong kasama ni Cristo sa krus. Hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At habang ako'y nabubuhay pa sa katawang-lupa, mamumuhay ako sa pananalig sa Anak ng Diyos na umibig sa akin at naghandog ng kanyang buhay para sa akin. Hindi ko maaaring tanggihan ang kagandahang-loob ng Diyos. Kung ang tao'y mapapawalang-sala sa pamamagitan ng Kautusan, walang kabuluhan ang pagkamatay ni Cristo! Mga hangal kayong mga taga-Galacia! Sino ang nakagayuma sa inyo? Maliwanag na ipinahayag na sa inyo kung paano namatay si Jesu-Cristo sa krus! Sabihin nga ninyo, tinanggap ba ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng mga gawa ayon sa Kautusan o sa pamamagitan ng inyong pananalig sa inyong narinig tungkol kay Cristo? Talagang napakahangal ninyo! Nagsimula na kayo sa Espiritu, at ngayo'y nais pa ninyong magtapos sa pamamagitan ng inyong sariling lakas! Wala na bang halaga sa inyo ang maraming bagay na pinagtiisan ninyo? Mayroon pa naman siguro. Bakit ipinagkaloob sa inyo ng Diyos ang Espiritu? Bakit siya gumagawa ng mga himala? Dahil ba sa inyong mga gawa ayon sa Kautusan, o dahil sa inyong pananalig sa inyong narinig tungkol kay Cristo? Tulad ng nangyari kay Abraham, “Sumampalataya siya sa Diyos, at dahil dito, siya'y itinuring ng Diyos na taong matuwid.” Kung gayon, maliwanag na ang mga nananalig sa Diyos ang siyang tunay na lahi ni Abraham. Bago pa ito nangyari ay ipinahayag na ng kasulatan na ipawawalang-sala ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng kanilang pananalig sa kanya at ang Magandang Balitang ito ay inihayag kay Abraham, “Sa pamamagitan mo'y pagpapalain ng Diyos ang lahat ng bansa.” Sumampalataya sa Diyos si Abraham kaya't siya'y pinagpala, at pagpapalain ding tulad niya ang lahat ng nananalig sa Diyos. Ang lahat ng umaasa sa mga gawa ayon sa Kautusan ay nasa ilalim ng isang sumpa. Sapagkat nasusulat, “Sumpain ang hindi sumusunod at hindi gumagawa ng lahat ng nakasulat sa aklat ng Kautusan.” Malinaw na walang taong pinapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan, sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang pinawalang-sala ay mabubuhay dahil sa pananampalataya.” Ang Kautusan ay walang kinalaman sa pananampalataya sa Diyos, sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang tumutupad sa lahat ng hinihingi ng Kautusan ay mabubuhay sa pamamagitan ng mga ito.” Tinubos tayo ni Cristo mula sa sumpa ng Kautusan nang siya ay isinumpa para sa atin, sapagkat nasusulat, “Isinumpa ang bawat ibinitin sa punongkahoy.” Ginawa ito ni Cristo upang ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos kay Abraham ay makamtan din ng mga Hentil sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Sa pamamagitan ng pananalig sa kanya ay matatanggap natin ang Espiritung ipinangako ng Diyos. Mga kapatid, narito ang isang pangkaraniwang halimbawa. Kapag nalagdaan na ang isang kasunduan, hindi na ito mapapawalang-kabuluhan ninuman. Hindi rin ito maaaring dagdagan. Ngayon, nangako ang Diyos kay Abraham at sa kanyang supling. Hindi sinasabi, “At sa kanyang mga supling,” na ang tinutukoy ay marami kundi, “At sa iyong supling,” na iisa ang tinutukoy at ito'y si Cristo. Ito ang ibig kong sabihin, pinagtibay ng Diyos ang kanyang kasunduan at ipinangako niyang tutuparin ito. Ang kasunduang iyon ay hindi mapapawalang-saysay ng Kautusan na dumating pagkaraan ng 430 taon, ni hindi rin mapapawalang-saysay ng Kautusang ito ang mga pangako ng Diyos. Kung ang pamana ay ipinagkakaloob dahil sa Kautusan, hindi na ito dahil sa pangako. Ngunit ang pamana ay ibinigay ng Diyos kay Abraham bilang katuparan ng kanyang pangako. Kung ganoon, bakit pa ibinigay ang Kautusan? Ibinigay ito upang maipakita kung ano ang paglabag. Bago dumating ang anak na pinangakuan, ibinigay ang Kautusang ito sa pamamagitan ng mga anghel, sa tulong ng isang tagapamagitan. Ngunit hindi kailangan ang tagapamagitan kung iisang panig lamang ang gumagawa ng kasunduan—at ang Diyos ay iisa. Ang ibig bang sabihin nito'y sumasalungat ang Kautusan sa mga pangako ng Diyos? Hinding-hindi! Kung nakapagbibigay-buhay sana ang Kautusan, ang tao'y magiging matuwid sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod niya rito. Ngunit ayon sa kasulatan, ang lahat ng tao'y alipin ng kasalanan, kaya't ang ipinangako ng Diyos ay matatanggap sa pamamagitan ng pananalig kay Jesu-Cristo na ibibigay sa lahat ng sumampalataya. Bago dumating ang panahon ng pananampalataya, tayo'y ikinulong ng Kautusan hanggang sa ang pananampalatayang ito kay Cristo ay mahayag. Kaya't ang Kautusan ang naging tagapangalaga natin hanggang sa dumating si Cristo upang tayo'y mabilang na matuwid sa pamamagitan ng pananalig sa kanya. Ngayong sumasampalataya na tayo kay Cristo, wala na tayo sa pangangalaga ng Kautusan. Dahil sa inyong pananalig kay Cristo Jesus, kayong lahat ay anak ng Diyos. Ang buhay mismo ni Cristo ang isinuot sa inyo na parang damit nang kayo'y mabautismuhan sa kanya. Wala nang pagkakaiba ang Judio at ang Griego, ang alipin at ang malaya, ang lalaki at ang babae. Kayong lahat ay iisa na dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. At kung kayo'y kay Cristo, kayo'y lahi ni Abraham at tagapagmana ng mga pangako ng Diyos. Ito ang ibig kong sabihin: habang bata pa ang tagapagmana, hindi siya nakakahigit sa isang alipin kahit na siya ang may-ari ng lahat, sapagkat siya'y nasa ilalim pa ng pamamahala ng mga tagapangasiwa hanggang sa panahong itinakda ng kanyang ama. Gayundin naman, noong hindi pa tayo nananalig kay Cristo, tayo'y nasa ilalim ng mga tuntuning umiiral sa sanlibutang ito. Ngunit nang sumapit ang takdang panahon, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak. Isinilang siya ng isang babae at namuhay sa ilalim ng Kautusan upang palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan. Sa gayon, tayo'y maibibilang sa mga anak ng Diyos. At upang patunayan na kayo'y mga anak ng Diyos, isinugo niya ang Espiritu ng kanyang Anak sa ating mga puso, at nang sa gayon ay makatawag tayo sa Diyos ng “Ama, Ama ko!” Hindi na kayo alipin kundi anak, at dahil kayo ay anak, kayo ay ginawa rin ng Diyos bilang mga tagapagmana niya. Noong hindi pa ninyo nakikilala ang Diyos, kayo'y alipin ng mga diyus-diyosan, ngunit ngayong nakikilala na ninyo ang Diyos, o mas tamang sabihin, ngayong nakikilala na kayo ng Diyos, bakit kayo bumabalik sa mga tuntuning walang bisa at walang halaga? Bakit gusto na naman ninyong paalipin sa mga iyon? May itinatangi kayong mga araw, mga buwan, mga panahon at mga taon! Nag-aalala akong baka nasayang lamang ang pagpapagal ko para sa inyo. Nakikiusap ako sa inyo mga kapatid, tularan ninyo ako. Hindi na ako saklaw ng Kautusan, tulad ninyo noon. Wala kayong nagawang masama laban sa akin. Alam naman ninyo na kaya ko ipinangaral sa inyo noon ang Magandang Balita ay dahil nagkasakit ako. Gayunman, hindi ninyo ako tinakwil o tinanggihan, kahit na naging pasanin ninyo ako dahil sa aking karamdaman. Sa halip, tinanggap ninyo ako na parang anghel ng Diyos, at para pa ngang si Cristo Jesus! Nasaan ngayon ang kagalakang ipinamalas ninyo noon sa akin? Ako mismo ang makakapagpatotoo na kung maaari nga lamang pati ang inyong mga mata'y dudukitin ninyo at ibibigay sa akin noon. Ngayon, ituturing ba ninyo akong kaaway dahil sa sinasabi ko sa inyo ang katotohanan? Nagpapakita nga sa inyo ng malasakit ang mga taong iyan, ngunit hindi mabuti ang kanilang layunin. Nais lamang nila kayong ilayo sa akin upang sa kanila kayo mapalapit. Hindi masama ang magmalasakit, kung palaging mabuti ang layunin at hindi kung kaharap lamang ninyo ako! Mga anak ko, dahil sa inyo'y minsan pa akong nagdaranas ng hirap tulad ng babaing nanganganak, hanggang sa ganap kayong mahubog kay Cristo. Sana'y kasama ko kayo ngayon upang maiba ang tono ng aking pagsasalita sapagkat talagang nag-aalala ako tungkol sa inyo. Sabihin nga ninyo sa akin, kayong nagnanais mapasailalim ng Kautusan, hindi ba ninyo napapakinggan ang sinasabi sa Kautusan? Sinasabi roon na si Abraham ay nagkaanak ng dalawang lalaki, isa sa alipin at isa sa malaya. Ang anak niya sa alipin ay ipinanganak sa karaniwang paraan, ngunit ang anak niya sa malaya ay katuparan ng pangako ng Diyos. Ito'y isang paghahambing. Ang dalawang babae ay larawan ng dalawang kasunduan, ang isa ay ang tipan sa Bundok ng Sinai na kinakatawan ni Hagar at ng kanyang mga anak, na pawang mga alipin. Si Hagar ay kumakatawan sa Bundok ng Sinai na nasa Arabia, at larawan ng kasalukuyang Jerusalem na nasa pagkaalipin, kasama ng kanyang mga mamamayan. Ngunit ang Jerusalem na nasa langit ay malaya, at siya ang ating ina. Ayon sa nasusulat, “Magsaya ka, O babaing hindi magkaanak! Humiyaw ka sa galak, ikaw na hindi pa nakaranas ng hirap sa panganganak! Sapagkat higit na marami ang anak ng babaing nangungulila kaysa babaing may asawa.” Mga kapatid, tulad ni Isaac, tayo'y mga anak ayon sa pangako. Kung noong una, ang ipinanganak ayon sa Espiritu ay inuusig ng ipinanganak ayon sa karaniwang paraan, gayundin naman ngayon. Ngunit ganito ang sinasabi ng kasulatan, “Palayasin mo ang babaing alipin at ang kanyang anak, sapagkat ang anak ng alipin ay hindi dapat makibahagi sa mana ng anak ng malaya.” Kaya nga, mga kapatid, hindi tayo anak ng alipin kundi ng malaya. Malaya na tayo dahil pinalaya tayo ni Cristo. Kaya magpakatatag kayo at huwag nang paalipin pang muli! Akong si Pablo ang nagsasabi sa inyo, kapag nagpatuli kayo, binabale-wala ninyo si Cristo. Inuulit ko, ang lahat ng taong nagpatuli ay kailangang sumunod sa buong Kautusan. Kayong nagsisikap na maging matuwid sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan, inihiwalay ninyo ang inyong sarili kay Cristo at tinanggihan ninyo ang kagandahang-loob ng Diyos, ngunit kami'y umaasa na kami'y magiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya at ito'y sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Sa mga nakipag-isa na kay Cristo Jesus, hindi na mahalaga kung ang isang tao ay tuli o hindi. Ang mahalaga'y ang pananampalatayang nakikita sa mga gawaing udyok ng pag-ibig. Mabuti na sana ang inyong ginagawa. Sino ang pumigil sa inyong pagsunod sa katotohanan? Hindi iyan gagawin ng Diyos na tumawag sa inyo. Ang sabi nga, “Napapaalsa ng kaunting pampaalsa ang buong masa ng harina.” Naniniwala akong sasang-ayon kayo sa akin sa bagay na ito, dahil sa ating kaugnayan sa Panginoon. At natitiyak kong paparusahan ng Diyos ang sinumang nanggugulo sa inyo. Mga kapatid, kung talagang nangangaral pa ako na kailangan ang pagtutuli, bakit pa ako inuusig hanggang ngayon? Kung iyo'y totoo, hindi na sana nila ikinagagalit ang aking pangangaral tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus. Mabuti pa'y tuluyan nang magpakapon ang mga nanggugulo sa inyo at hindi lang magpatuli. Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya. Ngunit huwag naman ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang masunod ang hilig ng laman, kundi maglingkod kayo sa isa't isa sa diwa ng pag-ibig. Sapagkat ang buong Kautusan ay nauuwi sa isang pangungusap, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” Ngunit kung kayo'y nagkakagatan at nagsasakmalang parang mga hayop, mauubos kayo. Sinasabi ko sa inyo, ang Espiritu ang gawin ninyong patnubay sa inyong buhay at hindi kayo magiging alipin ng hilig ng laman. Sapagkat ang mga nasa ng laman ay laban sa kalooban ng Espiritu, at ang kalooban ng Espiritu ay laban sa mga nasa ng laman. Laging naglalaban ang dalawang ito kaya't hindi ninyo magawâ ang nais ninyong gawin. Kung pinapatnubayan kayo ng Espiritu, wala na kayo sa ilalim ng Kautusan. Hindi maikakaila ang mga hilig ng laman: pakikiapid, kahalayan at kalaswaan; pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, pagkapoot sa isa't isa, pag-aaway-away, pagseselos, pagkakagalit at kasakiman, pagkakampi-kampi at pagkakabaha-bahagi, pagkainggit, paglalasing, kalayawan, at iba pang katulad nito. Muli ko kayong binabalaan: ang gumagawa ng mga ito ay hindi magkakaroon ng bahagi sa kaharian ng Diyos. Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, katiyagaan, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ito. At pinatay na ng mga nakipag-isa kay Cristo Jesus ang kanilang makasariling pagkatao, pati na ang mga masasamang hilig nito. Kung ang Espiritu ang nagbibigay-buhay sa atin, siya na rin ang paghariin natin sa ating buhay. Huwag na tayong maging palalo, huwag na nating galitin ang isa't isa, at huwag na rin tayong mag-inggitan. Mga kapatid, kung may makagawa ng kasalanan, kayong pinapatnubayan ng Espiritu ang magtuwid sa kanya. Gawin ninyo iyon nang mahinahon, at mag-ingat kayo, baka kayo naman ang matukso. Magtulungan kayo sa pagdadala ng pasanin ng bawat isa, sa gayong paraan ay matutupad ninyo ang utos ni Cristo. Dahil inaakala ninyong kayo'y nakakahigit sa iba, subalit hindi naman, dinadaya ninyo ang inyong sarili. Suriin ng bawat isa ang kanyang sarili. Magalak siya kung mabuti ang kanyang ginagawa, huwag na niyang ihambing pa iyon sa gawa ng iba, sapagkat ang pananagutan ng bawat isa ay ang kanyang sariling gawain. Dapat bahaginan ng lahat ng mga pagpapalang tinatamasa ng mga tinuturuan ang mga nagtuturo ng salita ng Diyos. Huwag ninyong akalaing madadaya ninyo ang Diyos. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin. Ang sumusunod sa nasa ng kanyang laman ay mag-aani ng kapahamakan. Ngunit ang sumusunod naman sa Espiritu ay mag-aani ng buhay na walang hanggan. Kaya't huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti; pagdating ng takdang panahon tayo ay aani kung hindi tayo magsasawa. Kaya nga, sa lahat ng pagkakataon ay gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya. Mapapansin ninyo na malalaki ang titik ng sulat na ito. Ako ang siyang sumulat nito! Ang mga taong naghahangad na mapuri ng kapwa ang namimilit sa inyong kayo'y magpatuli. Ginagawa nila iyon upang huwag silang usigin dahil sa krus ni Cristo. Kahit na silang mga tuli ay hindi naman tumutupad sa Kautusan; nais lamang nilang patuli kayo upang maipagmalaki nila na kayo man ay tumutupad sa tuntuning iyon. Huwag nawang mangyari sa akin ang ganon. Ang ipinagmamalaki ko ay ang kamatayan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sapagkat sa pamamagitan nito, ang mundong ito'y patay na para sa akin, at ako nama'y patay na rin sa mundo. Hindi mahalaga kung tuli man o hindi ang isang tao. Ang mahalaga'y kung siya nga ay naging bagong nilalang. Manatili nawa ang kapayapaan at habag ng Diyos sa lahat ng namumuhay ayon sa tuntuning ito, at sa buong bayan ng Diyos. Kaya mula ngayon, huwag nang dagdagan ninuman ang aking mga paghihirap. Sapat na ang mga pilat na taglay ko para makilalang ako'y lingkod ni Jesus. Mga kapatid, sumainyo nawang lahat ang pagpapala ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen. Mula kay Pablo, na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos, Para sa mga hinirang ng Diyos na nasa Efeso at tapat na sumasampalataya kay Cristo Jesus: Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal at makalangit dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo. Bago pa likhain ang sanlibutan, pinili na niya tayo upang maging kanya sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo, upang tayo'y maging banal at walang kapintasan sa harap niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, tayo'y kanyang pinili upang maging anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Iyan ang kanyang layunin at kalooban. Purihin natin siya dahil sa kanyang kahanga-hangang pagkalinga sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak! Tinubos tayo ni Cristo sa pamamagitan ng kanyang dugo, at sa gayon ay pinatawad na ang ating mga kasalanan. Ganoon kadakila ang kanyang kagandahang-loob na ibinigay sa atin. Sa pamamagitan ng kanyang karunungan at kaalaman, ipinaunawa sa atin ng Diyos ang hiwaga ng kanyang kalooban na isasakatuparan sa pamamagitan ni Cristo pagdating ng takdang panahon. Layunin niyang tipunin ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa, at ipasailalim ang mga ito kay Cristo. Dahil kay Cristo, tayo rin ay naging pag-aari ng Diyos na siyang nagsagawa ng lahat ng bagay ayon sa layunin ng kanyang kalooban. Tayong mga unang umasa sa kanya ay pinili niya upang parangalan ang kanyang kaluwalhatian. Kayo man ay naging bayan ng Diyos matapos ninyong marinig ang salita ng katotohanan, ang Magandang Balita na nagdudulot ng kaligtasan. Sumampalataya kayo kay Cristo, kaya't ipinagkaloob sa inyo ang Espiritu Santo na ipinangako ng Diyos bilang tatak ng pagkahirang sa inyo. Ang Espiritu ang katibayan na makakamit natin ang mga pangako ng Diyos para sa atin, hanggang sa makamtan natin ang lubos na kaligtasan. Purihin natin ang kanyang kaluwalhatian! Kaya nga, mula nang mabalitaan ko ang tungkol sa inyong pananalig sa Panginoong Jesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng kanyang mga banal, walang tigil ang pasasalamat ko sa Diyos para sa inyo tuwing ipinapanalangin ko kayo. Hinihiling ko sa Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang maluwalhating Ama, na ipagkaloob niya sa inyo ang Espiritu na nagbibigay ng karunungan at nagpapahayag tungkol sa Diyos upang lubos ninyo siyang makilala. Nawa'y liwanagan ng Diyos ang inyong isip upang malaman ninyo kung ano ang inyong inaasahan sa kanyang pagkatawag sa inyo, kung gaano kasagana ang pagpapalang inilaan niya para sa kanyang mga banal, at kung ano ang di-masukat na kapangyarihang kaloob niya sa atin na mga nananalig sa kanya. Ang kapangyarihan ding iyon ang muling bumuhay kay Cristo at nag-upo sa kanya sa kanan ng Diyos sa kalangitan. Kaya't nasa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo ang lahat ng paghahari, kapamahalaan, kapangyarihan, at pamunuan sa kalangitan. Higit na dakila ang kanyang pangalan kaysa sa lahat, hindi lamang sa panahong ito kundi maging sa darating. Ipinailalim ng Diyos sa paa ni Cristo ang lahat ng bagay, at ginawa siyang ulo ng lahat ng bagay para sa iglesya. Ang iglesya ang katawan at kapuspusan ni Cristo, na siya namang pumupuno sa lahat ng bagay. Noong una'y patay kayo dahil sa inyong mga pagsuway at mga kasalanan. Sinusunod ninyo noon ang masamang takbo ng mundong ito, at napailalim kayo sa prinsipe ng kasamaan, ang espiritung naghahari sa mga taong ayaw pasakop sa Diyos. Ang totoo, tayong lahat ay dati ring namumuhay ayon sa ating laman, at sumusunod sa masamang hilig ng katawan at pag-iisip. Kaya't sa ating likas na kalagayan, kabilang tayo sa mga taong kinapopootan ng Diyos. Subalit napakasagana ng habag ng Diyos at napakadakila ng pag-ibig niya sa atin. Tayo'y binuhay niyang kasama ni Cristo noong tayo'y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang-loob. Dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus, tayo'y muling binuhay na kasama niya upang mamunong kasama niya sa kalangitan. Ginawa niya ito upang sa darating na mga panahon ay maipakita niya ang di-masukat na kasaganaan ng kanyang kagandahang-loob, sa pag-ibig niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Sapagkat dahil sa kagandahang-loob ng Diyos kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ang kaligtasang ito'y kaloob ng Diyos at hindi sa pamamagitan ng inyong sarili; hindi ito bunga ng inyong mga gawa kaya't walang dapat ipagmalaki ang sinuman. Sapagkat tayo'y nilalang ng Diyos; nilikha sa pamamagitan ni Cristo Jesus upang iukol natin ang ating buhay sa paggawa ng mabuti. Iyan ang layuning pinili ng Diyos para sa atin noong una pa man. Kaya't alalahanin ninyo ang dati ninyong kalagayan. Kayo'y ipinanganak na mga Hentil, at “di-tuli” ang tawag sa inyo ng mga Judio. Ang mga Judio naman ay tinatawag na mga “tuli” dahil sa ginagawa nila sa kanilang katawan. Noong panahong iyon, hiwalay kayo kay Cristo, hindi kabilang sa bayang Israel, at hindi saklaw ng tipan na nababatay sa mga pangako ng Diyos. Noo'y nabubuhay kayo sa mundo na walang pag-asa at walang Diyos. Ngunit ngayon, dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus, kayo na dati'y malayo sa Diyos ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. Sapagkat si Cristo mismo ang nagbigay sa atin ng kapayapaan dahil ang mga Judio at ang mga Hentil ay kanyang pinag-isa. Sa pamamagitan ng kanyang katawan, pinawi niya ang alitan na parang pader na naghihiwalay sa atin. Pinawalang-bisa niya ang Kautusang pawang mga utos at alituntunin upang ang mga Judio at mga Hentil ay maging iisang bayan na lamang, at sa ganito'y maghari ang kapayapaan. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, winakasan niya ang kanilang alitan, pinagkasundo sila sa Diyos at pinagbuklod sa iisang katawan. Naparito nga si Cristo at ipinangaral niya sa lahat ang Magandang Balita ng kapayapaan, sa inyong mga Hentil, at sa inyong mga Judio. Dahil kay Cristo, tayo'y kapwa nakakalapit sa presensya ng Ama sa pamamagitan ng iisang Espiritu. Samakatuwid, hindi na kayo dayuhan o taga-ibang bansa, kundi kababayan na ng mga hinirang ng Diyos at kabilang sa kanyang sambahayan. Tulad ng isang gusali, kayo'y itinayo sa pundasyong inilagay ng mga apostol at mga propeta, na ang batong panulukan ay si Cristo Jesus. Sa pamamagitan niya, ang bawat bahagi ng gusali ay nagkakaugnay-ugnay at nagiging isang banal na templo ng Panginoon. Dahil din sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo man ay kasama nilang naging bahagi ng tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu. Dahil dito, akong si Pablo ay naging bilanggo para kay Cristo Jesus alang-alang sa inyong mga Hentil. Marahil ay nabalitaan na ninyo na dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay pinagkatiwalaan niya ako ng tungkuling ito para sa inyong ikabubuti. Tulad ng naisulat ko na, ipinahayag sa akin ng Diyos ang kanyang hiwaga. At habang binabasa ninyo ito, malalaman ninyo kung ano ang pagkaunawa ko sa hiwaga tungkol kay Cristo. Ito'y hindi ipinaalam sa mga tao noong mga nakaraang panahon, ngunit inihayag ngayon ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu, sa kanyang mga banal na apostol at mga propeta. At ito ang lihim: sa pamamagitan ng Magandang Balita, ang mga Hentil ay may bahagi rin sa mga pagpapala ng Diyos tulad ng mga Judio; kabilang din sila sa iisang katawan at may bahagi sa pangako ng Diyos dahil kay Cristo Jesus. Sa kagandahang-loob ng Diyos, ako'y ginawa niyang lingkod upang ipangaral ang Magandang Balita. Ang tungkuling ito'y ibinigay niya sa akin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Ako ang pinakahamak sa lahat ng mga pinili ng Diyos. Gayunma'y minarapat niyang ipagkaloob sa akin ang natatanging karapatan na ito, ang mangaral ng Magandang Balita sa mga Hentil tungkol sa di-masukat na kayamanan ni Cristo, at magpaliwanag sa lahat kung paano isasagawa ng Diyos ang kanyang lihim na plano. Sa mga nakaraang panahon ay inilihim ito ng Diyos na lumikha ng lahat ng bagay. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng iglesya ay maipakilala ngayon sa mga pinuno at mga maykapangyarihan sa sangkalangitan ang walang hanggang karunungan ng Diyos na nahahayag sa iba't ibang paraan. Ito'y alinsunod sa kanyang layunin bago pa man likhain ang sanlibutan. Tinupad niya ang layuning ito sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon. Dahil sa ating pakikipag-isa at pananalig sa kanya, makakalapit tayo sa Diyos nang may pagtitiwala at panatag ang loob. Kaya't hinihiling ko sa inyo na huwag kayong panghihinaan ng loob dahil sa mga kahirapang tinitiis ko alang-alang sa inyo, sapagkat ito'y para sa inyong ikararangal. Dahil dito, ako'y lumuluhod sa Ama, na siyang pinagmulan ng bawat sambahayan sa langit at sa lupa. Idinadalangin kong palakasin niya ang inyong buhay espirituwal ayon sa kanyang kayamanan at kadakilaan sa pamamagitan ng kanyang Espiritu. Nawa'y manatili si Cristo sa inyong mga puso sa pamamagitan ng inyong pananalig sa kanya. Dalangin ko na ang lahat ng inyong gawain ay nag-uugat sa pag-ibig upang lubusang maunawaan ninyo, kasama ng mga hinirang ng Diyos, kung gaano kalawak, gaano kahaba, gaano kataas, at gaano kalalim ang kanyang pag-ibig. At nawa'y malaman ninyo ang buong pag-ibig ni Cristo na hindi kayang abutin ng pag-iisip upang kayo'y mapuspos ng kapuspusan ng Diyos. Sa kanya na makakagawa nang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang naghahari sa atin; sa kanya ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng iglesya at ni Cristo Jesus magpakailanman! Amen. Kaya't ako, na isang bilanggo dahil sa Panginoon, ay nakikiusap sa inyo na mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga tinawag ng Diyos. Kayo'y maging mapagpakumbabá, mahinahon at matiyaga. Magmahalan kayo at magpasensiya sa isa't isa. Sikapin ninyong mapanatili ang pagkakaisa na kaloob ng Espiritu, sa pamamagitan ng kapayapaang nagbubuklod sa inyo. May iisang katawan at iisang Espiritu, tulad ng may iisang pag-asa nang kayo'y tawagin ng Diyos. Tayo'y may iisang Panginoon, iisang pananampalataya at iisang bautismo, iisang Diyos at Ama nating lahat. Siya ay higit sa lahat, kumikilos sa lahat, at nananatili sa lahat. Ang bawat isa sa ati'y nakatanggap ng tanging kaloob, ayon sa sukat na ibinigay ni Cristo. Ganito ang sinasabi ng kasulatan: “Nang umakyat siya sa kalangitan, nagdala siya ng maraming bihag, at nagbigay ng mga kaloob sa mga tao.” Anong ibig sabihin ng “umakyat siya”? Ang ibig sabihin niyan ay bumabâ muna siya sa mga kailalimang bahagi ng lupa. Ang bumabâ ay siya rin namang umakyat sa kaitaasan ng kalangitan upang mapuno ng kanyang presensya ang lahat ng nilikha. At binigyan niya ang ilan ng kaloob upang maging mga apostol, ang iba nama'y mga propeta, ang iba'y ebanghelista, at ang iba'y pastor at guro. Ginawa niya ito upang ihanda sa paglilingkod ang lahat ng mga banal, para sa ikatitibay ng katawan ni Cristo, ang iglesya, hanggang makamtan natin ang iisang pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Diyos, at maging ganap ang ating pagkatao ayon sa pagiging-ganap ni Cristo. Nang sa gayon, hindi na tayo magiging tulad sa mga batang madaling matangay ng sari-saring aral. Hindi na tayo maililigaw ng mga taong ang hangad ay dalhin tayo sa kamalian sa pamamagitan ng kanilang katusuhan at panlilinlang. Sa halip, sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig, tayo'y dapat maging lubos na katulad ni Cristo na siyang ulo nating lahat. Sa pamamagitan niya, ang mga bahaging pinag-ugnay-ugnay ng kasukasuan ay magiging isang katawan; at kung maayos na gumaganap ng tungkulin ang bawat bahagi, ang buong katawan ay lálaki at lalakas sa pamamagitan ng pag-ibig. Sa pangalan ng Panginoon, ito ang sinasabi ko sa inyo: huwag na kayong mamuhay tulad ng pamumuhay ng mga walang pananampalataya sa Diyos. Walang kabuluhan ang kanilang iniisip, at wala silang pang-unawa. Dahil sa kanilang kamangmangan at katigasan ng ulo, wala silang bahagi sa buhay na kaloob ng Diyos. Sila'y naging alipin ng kahalayan, at wala na silang kahihiyan kaunti man lamang. Wala na silang inaatupag kundi pawang kalaswaan. Hindi ganyan ang natutuhan ninyo tungkol kay Cristo. Napakinggan na ninyo ang aral ni Jesus at natutuhan na ninyo ang katotohanang nasa kanya. Iwanan na ninyo ang dating pamumuhay. Hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao na napapahamak dahil sa masasamang pagnanasa. Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; at ang dapat ninyong isuot ay ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, at nahahayag sa matuwid at banal na pamumuhay ayon sa katotohanan. Dahil dito, itakwil na natin ang pagsisinungaling at tayong lahat ay magsabi ng totoo sa isa't isa, sapagkat tayo'y bahagi ng iisang katawan. Kung magagalit man kayo, iwasan ninyo ang kayo'y magkasala. Huwag ninyong hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo. Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon ang diyablo. Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw; sa halip, maghanap siya ng marangal na ikabubuhay para makatulong sa mga nangangailangan. Huwag kayong gumamit ng masasamang salita; lagi ninyong sikapin na ang pangungusap ninyo'y makakabuti at angkop sa pagkakataon upang pakinabangan ng mga makakarinig. At huwag na ninyong saktan ang kalooban ng Espiritu Santo ng Diyos, sapagkat siya ang tatak ng Diyos sa inyo, ang katibayan na kayo'y tutubusin pagdating ng takdang araw. Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, poot at galit; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait at mananakit ng damdamin ng kapwa. Sa halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo. Dahil kayo'y mga anak na minamahal ng Diyos, tularan ninyo siya. Mamuhay kayong puno ng pag-ibig tulad ni Cristo; dahil sa kanyang pag-ibig sa atin, inialay niya ang kanyang buhay bilang mabangong alay at handog sa Diyos. Kayo'y mga hinirang ng Diyos, kaya't hindi dapat mabanggit man lamang na kayo'y nakikiapid o gumagawa ng anumang uri ng kahalayan o pag-iimbot. Huwag din kayong gagamit ng anumang malaswa o walang kabuluhang pananalita at pagbibirong di nararapat. Sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos. Alam na ninyong walang bahagi sa kaharian ni Cristo at ng Diyos ang taong nakikiapid, mahalay, o sakim sapagkat ang kasakiman ay isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan. Huwag kayong padaya kaninuman sa pamamagitan ng mga pangangatuwirang walang kabuluhan, sapagkat dahil nga sa mga ito, ang Diyos ay napopoot sa mga suwail. Kaya't huwag na kayong makikisama sa kanila. Dati, kayo'y nasa kadiliman, ngunit ngayo'y nasa kaliwanagan na, sapagkat kayo'y nasa Panginoon. Mamuhay kayo ngayon nang nararapat sa mga taong nasa liwanag. Sapagkat pawang mabuti, matuwid at totoo ang ginagawa ng namumuhay sa liwanag. Pag-aralan ninyo kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon. Huwag na kayong makikisama sa mga taong gumagawa ng mga bagay na walang ibinubungang kabutihan. Sa halip ay ibunyag ninyo ang mga iyon. Kahiya-hiyang mabanggit man lamang ang mga bagay na iyon na ginagawa nila nang lihim. Ang lahat ng nalalantad sa liwanag ay nakikilala kung ano talaga ang mga iyon, at nalalantad ang lahat dahil sa liwanag. Kaya't sinasabi, “Gumising ka, ikaw na natutulog, bumangon ka mula sa libingan, at liliwanagan ka ni Cristo.” Kaya't mag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino at di tulad ng mga mangmang. Samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon na kayo'y makagawa ng mabuti sapagkat punung-puno ng kasamaan ang daigdig ngayon. Huwag kayong maging hangal. Unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon. Huwag kayong maglalasing, sapagkat mauuwi iyan sa magulong pamumuhay. Sa halip ay dapat kayong mapuspos ng Espiritu. Mag-awitan kayo ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal; buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. Lagi kayong magpasalamat sa Diyos na ating Ama dahil sa lahat ng bagay, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Pasakop kayo sa isa't isa bilang tanda ng inyong paggalang kay Cristo. Mga babae, pasakop kayo sa sari-sarili ninyong asawa tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon. Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siyang Tagapagligtas nito. Kung paanong nasasakop ni Cristo ang iglesya, gayundin naman, ang mga babae ay dapat pasakop nang lubusan sa kanilang asawa. Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa na gaya ng pagmamahal ni Cristo sa iglesya. Inihandog niya ang kanyang buhay para sa iglesya upang ialay ito sa Diyos, matapos linisin sa pamamagitan ng tubig at ng salita. Ginawa niya ito upang ang iglesya ay maiharap niya sa kanyang sarili bilang isang maluwalhating iglesya na walang anumang dungis ni kulubot man upang ito ay maging banal at walang kapintasan. Gayundin naman, dapat mahalin ng mga lalaki ang kanilang asawa tulad ng sarili nilang katawan. Ang lalaking nagmamahal sa kanyang asawa ay nagmamahal sa kanyang sarili. Walang taong namumuhi sa sarili niyang katawan. Sa halip, ito'y kanyang pinapakain at inaalagaan, tulad ng ginagawa ni Cristo sa iglesya. Tayo nga'y mga bahagi ng kanyang katawan. Gaya ng sinasabi sa kasulatan, “Dahil dito'y, iiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina, at magsasama sila ng kanyang asawa; at sila'y magiging isa.” Ito ay isang dakilang hiwaga na aking inihahayag tungkol sa kaugnayan ni Cristo sa iglesya. Kaya't kayong mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa gaya ng inyong sarili; mga babae, igalang naman ninyo ang inyong asawa. Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sa Panginoon, sapagkat ito ang nararapat. “Igalang mo ang iyong ama at ina.” Ito ang unang utos na may kalakip na pangakong “Ikaw ay giginhawa at hahaba ang iyong buhay sa lupa.” Mga magulang, huwag kayong gumawa ng mga bagay na ikagagalit ng inyong mga anak. Sa halip, palakihin ninyo sila ayon sa disiplina at katuruan ng Panginoon. Mga alipin, sundin ninyo ang inyong mga amo dito sa lupa nang may buong paggalang, takot at katapatan, na parang si Cristo ang siya ninyong pinaglilingkuran. Gawin ninyo iyan, may nakakakita man o wala, hindi upang mapuri ng mga tao kundi dahil kayo'y mga lingkod ni Cristo at buong pusong sumusunod sa kalooban ng Diyos. Maglingkod kayo nang masaya ang kalooban na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa tao. Sapagkat alam ninyong gagantimpalaan ng Panginoon ang bawat mabuting gawa ninuman, maging siya man ay alipin o malaya. Mga amo, maging mabait kayo sa inyong mga alipin at huwag silang pagbabantaan. Huwag ninyong kalilimutan na kayo'y parehong alipin ng iisang Panginoon na nasa langit, at siya'y walang itinatangi. Bilang pagwawakas, magpakatibay kayo sa kalakasang galing sa Panginoon at sa kanyang dakilang kapangyarihan. Gamitin ninyo ang lahat ng kagamitan at sandatang pandigma na kaloob ng Diyos, upang mapaglabanan ninyo ang mga pakana ng diyablo. Sapagkat hindi tayo nakikipaglaban sa mga tao, kundi sa mga pinuno, sa mga maykapangyarihan, at sa mga tagapamahala ng kadilimang umiiral sa sanlibutang ito—ang mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid. Kaya't isuot ninyo ang kasuotang pandigma na mula sa Diyos. Sa gayon, makalalaban kayo kapag dumating ang masamang araw na sumalakay ang kaaway, upang pagkatapos ng labanan ay matatag pa rin kayong nakatayo. Kaya't maging handa kayo. Ibigkis sa inyong baywang ang sinturon ng katotohanan, at isuot sa dibdib ang baluti ng katuwiran; isuot ninyo ang sandalyas ng pagiging handa sa pangangaral ng Magandang Balita ng kapayapaan. Lagi ninyong gawing panangga ang pananampalataya, na siyang papatay sa lahat ng nagliliyab na palaso ng diyablo. Isuot ninyo ang helmet ng kaligtasan, at gamitin ang tabak ng Espiritu, na walang iba kundi ang Salita ng Diyos. Ang lahat ng ito'y gawin ninyo na may panalangin at pagsamo. Manalangin kayo sa lahat ng pagkakataon, sa patnubay ng Espiritu. Lagi kayong maging handa, at patuloy na ipanalangin ang lahat ng hinirang ng Diyos. Ipanalangin din ninyong ako'y pagkalooban ng wastong pananalita upang buong tapang kong maipahayag ang hiwaga ng Magandang Balitang ito. Dahil sa Magandang Balitang ito, ako'y isinugo, at ngayo'y nakabilanggo. Kaya't ipanalangin ninyong maipahayag ko ito nang buong tapang gaya ng nararapat. Si Tiquico, na mahal nating kapatid at tapat na lingkod ng Panginoon, ang magbabalita sa inyo ng lahat ng bagay tungkol sa aking kalagayan at ginagawa. Kaya't isinusugo ko siya sa inyo upang malaman ninyo ang aming kalagayan, at upang palakasin ang inyong loob. Nawa'y ipagkaloob ng Diyos Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo sa lahat ng mga kapatid ang kapayapaan at ang pag-ibig na kalakip ng pananampalataya. Ang pagpapala ng Diyos ay sumainyong lahat, sa inyo na umiibig nang walang maliw sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Mula kina Pablo at Timoteo na mga alipin ni Cristo Jesus, Para sa mga taga-Filipos na tagasunod ni Cristo Jesus, gayundin sa mga tagapangasiwa at mga tagapaglingkod: Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan ng Diyos na ating Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo. Nagpapasalamat ako sa aking Diyos tuwing naaalala ko kayo. Tuwing ipinapanalangin ko kayong lahat, ako'y laging nagagalak dahil sa inyong pakikiisa sa pagpapalaganap ng Magandang Balita tungkol kay Cristo, mula nang ito'y inyong tanggapin hanggang sa kasalukuyan. Natitiyak kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa araw ng pagbabalik ni Jesu-Cristo. Minamahal ko kayo, kaya dapat lang na pahalagahan ko kayo nang ganito at dahil magkasama tayong tumanggap ng pagpapala ng Diyos, noon pa man nang ako'y malayang nagtatanggol at nagpapalaganap ng Magandang Balita at kahit ngayong ako'y nakabilanggo. Nalalaman ng Diyos na ang pananabik ko sa inyong lahat ay kagaya ng pagmamahal sa inyo ni Jesu-Cristo. Idinadalangin ko sa Diyos na ang inyong pag-ibig ay patuloy na sumagana at masangkapan ng malinaw na kaalaman at pagkaunawa, upang mapili ninyo ang pinakamahalaga sa lahat. Sa gayon, pagbabalik ni Cristo, matatagpuan kayong malinis, walang kapintasan, at sagana sa magagandang katangiang kaloob sa inyo ni Jesu-Cristo, sa ikararangal at ikadadakila ng Diyos. Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ang nangyari sa akin ay nakatulong nang malaki sa ikalalaganap ng Magandang Balita. Nalaman ng mga bantay sa palasyo at ng iba pang naririto na ako'y nabilanggo dahil sa pagiging tagasunod ni Cristo. At ang karamihan sa mga kapatid ay lalong tumibay sa kanilang pananalig sa Panginoon dahil sa aking pagkabilanggo. Hindi lamang iyon, lalo pang lumakas ang kanilang loob na ipangaral ang salita. Totoo nga na may ilang nangangaral tungkol kay Cristo dahil sa pagkainggit at pagkahilig sa pakikipagtalo, ngunit mayroon din namang nangangaral nang may tapat na hangarin. Si Cristo'y ipinapangaral nila dahil sa tunay na pagmamahal, sapagkat alam nilang ako'y hinirang upang ipagtanggol ang Magandang Balita. Ngunit ang iba ay nangangaral nang di tapat sa kalooban, kundi dahil sa udyok ng masamang hangarin, sapagkat hangad nilang dagdagan pa ang paghihirap ko sa aking pagkakabilanggo. Ngunit walang anuman sa akin ang lahat ng iyon. Ikinagagalak ko pa nga na si Cristo ay naipapangaral, maging tapat man o hindi ang hangarin ng ibang mga nangangaral. Ang isa ko pang ikinagagalak ay ang pag-asang muli akong makakalaya sa pamamagitan ng inyong mga panalangin at sa tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo. Ang aking pinakananais at inaasahan ay ang hindi ako mapahiya sa anumang bagay; kundi sa lahat ng panahon ay buong tapang kong maparangalan si Cristo sa buhay o sa kamatayan man. Sapagkat para sa akin, si Cristo ang aking buhay at kahit kamatayan ay pakinabang. Ngunit kapag ako'y mananatiling buháy, ito'y kapaki-pakinabang din sapagkat ako'y makakagawa pa ng mabubuting bagay. Hindi ko malaman kung alin ang aking pipiliin. May pagtatalo sa loob ko; gusto ko nang pumanaw sa mundong ito upang makapiling ni Cristo, sapagkat ito ang lalong mabuti para sa akin. Ngunit alang-alang sa inyo, mas kailangan pang manatili ako sa buhay na ito. Dahil dito, natitiyak kong ako'y mabubuhay pa at makakasama ninyong lahat upang matulungan kayong magpatuloy nang may kagalakan sa inyong pananalig sa Panginoon. Kung magkagayon, lalo ninyo akong maipagmamalaki at lalo ninyong pupurihin si Cristo Jesus dahil sa aking pagbabalik sa inyo. Kaya nga, mga kapatid, pagsikapan ninyong mamuhay ayon sa Magandang Balita ni Cristo. Sa gayon, makabalik man ako sa inyong piling o hindi, makakatiyak pa rin akong kayo'y nananatili sa iisang layunin at sama-samang ipinaglalaban ang pananalig sa Magandang Balita. Huwag kayong matakot sa inyong mga kaaway. Magpakatatag kayo sapagkat ito mismo ang palatandaan na sila ay mapapahamak at kayo'y maliligtas, sapagkat ang Diyos ang nagbibigay sa inyo ng tagumpay. Dahil ipinagkaloob niya sa inyo, hindi lamang ang manalig sa kanya, kundi ang magtiis din naman alang-alang kay Cristo. Ngayon, kasama ko na kayo sa pakikibakang nakita ninyong ginagawa ko noon, at nababalitaan ninyong ginagawa ko pa rin hanggang ngayon. Kaya nga, sapagkat mayroong kasiglahan ang buhay kay Cristo, mayroong kaaliwan ng pag-ibig, mayroong pakikiisa ng Espiritu Santo, at mayroong kagandahang-loob at malasakit para sa isa't isa, lubusin ninyo ang aking kagalakan; magkaroon kayo ng iisang kaisipan, mabuklod kayo sa iisang pag-ibig, at magkaisa kayo sa puso't diwa. Huwag kayong gumawa ng anuman dahil sa paghahangad ninyong maging tanyag; sa halip, bilang tanda ng pagpapakumbaba, ituring ninyong higit ang iba kaysa inyong mga sarili. Pagmalasakitan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang sa inyong sarili. Nawa'y magkaroon kayo ng kaisipan na tulad ng kay Cristo Jesus. Kahit siya'y likas at tunay na Diyos, hindi niya ipinagpilitang manatiling kapantay ng Diyos. Sa halip, kusa niyang hinubad ang pagiging kapantay ng Diyos, at naging katulad ng isang alipin. Ipinanganak siyang tulad ng mga karaniwang tao. At nang si Cristo'y maging tao, nagpakumbabá siya at naging masunurin hanggang kamatayan, maging ito man ay kamatayan sa krus. At dahil dito, siya'y lubusang itinaas ng Diyos, at ibinigay sa kanya ang pangalang higit sa lahat ng pangalan. Sa gayon, sa pangalan ni Jesus ay luluhod at magpupuri ang lahat ng nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa. At para sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama, ang lahat ay magpapahayag na si Jesu-Cristo ang Panginoon. Kaya nga, mga minamahal, tulad ng inyong buong-pusong pagsunod noong ako'y kasama pa ninyo, lalo kayong maging masunurin ngayong ako'y malayo sa inyo. Pagsumikapan ninyong maging ganap ang inyong kaligtasan nang may lubusang paggalang at pag-ibig sa Diyos, sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa inyo upang inyong naisin at isagawa ang kanyang kalooban. Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang walang pagtutol at pagtatalo, upang kayo'y maging mga ulirang anak ng Diyos, matuwid at walang kapintasan sa gitna ng mga taong mapanlinlang at mga masasama. Sa gayon, magsisilbi kayong ilaw sa kanila, tulad ng bituing nagniningning sa kalangitan, habang ibinabalita ninyo sa kanila ang mensahe na nagbibigay-buhay. Sa gayon, sa araw ng pagdating ni Cristo ay maipagmamalaki kong hindi nawalan ng kabuluhan ang aking mga pagpapagal sa inyo. Kung ang buhay ko ma'y maging handog para sa inyong paglilingkod at pananampalataya sa Diyos, ako'y natutuwa at ang puso ko'y nakikigalak sa inyo. Kaya magalak din kayo at bahaginan ninyo ako ng inyong kagalakan. Umaasa ako sa Panginoong Jesus na mapapapunta ko agad riyan si Timoteo upang mapanatag ang aking loob kapag aking malaman mula sa kanya ang inyong kalagayan. Wala nang hihigit sa kanya sa pakikiisa sa aking damdamin at pagmamalasakit para sa inyong kapakanan. Ang inaatupag lamang ng iba ay ang sarili nilang kapakanan at hindi ang kay Jesu-Cristo. Kayo na rin ang nakakaalam sa katapatan ni Timoteo. Kasama ko siya sa pangangaral ng Magandang Balita. Tinulungan niya ako tulad ng pagtulong ng isang anak sa kanyang ama. Kaya, binabalak kong papuntahin siya riyan pagkatapos kong matiyak ang magiging kalagayan ko rito. Subalit ako'y umaasa, sa tulong ng Panginoon, na ako rin ay makakapunta riyan sa lalong madaling panahon. Inisip kong kailangan nang pauwiin diyan ang ating kapatid na si Epafrodito, na aking kamanggagawa at kapwa kawal ng Diyos na isinugo ninyo upang magdala ng inyong kaloob, at upang makatulong rin dito. Sabik na sabik na siya sa inyong lahat. Nag-aalala siya dahil sa nabalitaan ninyong nagkasakit siya. Tunay ngang siya'y nagkasakit at muntik nang mamatay. Subalit kinahabagan siya ng Diyos, at hindi lamang siya kundi pati ako, upang huwag nang madagdagan pa ang aking kalungkutan. Kaya nga, nais ko ring makauwi na siya riyan sapagkat alam kong matutuwa kayong makita siyang muli. Sa gayon, mawawala na ang aking kalungkutan. Kaya, tanggapin ninyo siya nang buong galak bilang isang tunay na lingkod ng Panginoon. Igalang ninyo ang mga taong tulad niya. Sapagkat muntik na siyang namatay alang-alang sa gawain para kay Cristo; itinaya niya ang kanyang buhay sa paglilingkod sa akin upang mapunuan ang inyong kakulangan sa akin. Sa wakas, mga kapatid, magalak kayo sa Panginoon. Hindi kaabalahan para sa akin na ulitin ang naisulat ko na, dahil ito naman ay para malayo kayo sa kapahamakan. Mag-ingat kayo sa mga taong asal-aso, sa mga taong mahilig sa paggawa ng masama. Sila'y mga taong naghihiwa ng kanilang katawan. Tayo ang tumanggap ng tunay na pagtutuli, tayong mga sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang Espiritu. Ang ipinagmamalaki natin ay ang ating buhay kay Cristo Jesus. Hindi tayo umaasa sa mga panlabas na seremonya. Ang totoo, ako'y may sapat na dahilan upang panghawakan ang mga panlabas na seremonya. Kung iniisip ninuman na siya'y may katuwirang umasa sa ganitong gawain, lalo na ako. Ako'y tinuli nang ikawalong araw mula nang ako'y isilang. Ako'y isang tunay na Israelita, buhat sa angkan ni Benjamin at katutubong Hebreo. Kung pagsunod naman sa Kautusan ang pag-uusapan, ako'y isang Pariseo. Dahil sa masugid kong pagsunod sa Kautusan, inusig ko ang iglesya. Kaya't kung sa pagiging matuwid ayon sa Kautusan, wala ring maisusumbat sa akin. Ngunit dahil kay Cristo, ang mga bagay na pinapahalagahan ko noon ay itinuring kong walang kabuluhan ngayon. Oo, itinuturing kong walang kabuluhan ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Ang lahat ng bagay ay ipinalagay kong walang kabuluhan, makamtan ko lamang si Cristo at lubusang makasama niya. Ang aking pagiging matuwid ay hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, kundi sa pananalig kay Cristo. Ang pagiging matuwid ko ngayo'y buhat sa Diyos, sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang tanging hangarin ko ngayon ay lubusang makilala si Cristo, maranasan ang kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay, makibahagi sa kanyang mga paghihirap, at maging katulad niya sa kanyang kamatayan upang ako man ay muling buhayin mula sa mga patay. Hindi sa nakamtan ko na ang mga bagay na ito. Hindi rin sa ako'y ganap na; ngunit sinisikap kong makamtan ang gantimpala sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako'y tinawag ni Cristo Jesus. Mga kapatid, hindi ko ipinapalagay na nakamit ko na ito. Ngunit isang bagay ang ginagawa ko: nililimot ko ang nakaraan at sinisikap na marating ang layuning nais kong makamtan. Nagpapatuloy nga ako patungo sa hangganan upang makamtan ang gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus, ang buhay na hahantong sa langit. Ganyan ang dapat maging kaisipan nating mga matatag na sa pananampalataya. Kung hindi ganito ang inyong pag-iisip, ipapaunawa iyan sa inyo ng Diyos. Ang mahalaga ay ipagpatuloy natin ang ating natutuhan. Mga kapatid, tumulad kayo sa halimbawang ipinakita ko sa inyo. Pag-ukulan din ninyo ng pansin ang lahat ng sumusunod sa aming halimbawa. Tulad ng malimit kong sabihin sa inyo, at ngayo'y luhaang inuulit ko, marami ang namumuhay bilang mga kaaway ng krus ni Cristo. Kapahamakan ang kahihinatnan nila sapagkat ang dinidiyos nila ay ang hilig ng kanilang katawan. Ikinararangal nila ang mga bagay na dapat sana nilang ikahiya, at wala silang iniisip kundi ang mga bagay na makalupa. Subalit sa kabilang dako, tayo ay mga mamamayan ng langit. Doon magmumula ang Tagapagligtas na hinihintay natin nang may pananabik, ang Panginoong Jesu-Cristo. Sa pamamagitan ng kapangyarihang ginamit niya sa pagpapasuko sa lahat ng bagay, ang ating katawang-lupa na may kahinaan ay babaguhin niya upang maging maluwalhating tulad ng kanyang katawan. Kaya nga, mga kapatid kong minamahal at pinapanabikan, aking kagalakan at karangalan, magpakatatag kayo sa inyong pamumuhay na nakaugnay sa Panginoon. Nakikiusap ako kina Euodia at Sintique na sila'y magkasundo na bilang magkapatid sa Panginoon. Ipinapakiusap ko rin naman sa iyo, tapat kong kasama, na tulungan mo ang dalawang babaing ito. Sila man ay kasama kong nagpagal sa pagpapalaganap ng Magandang Balita, kasama si Clemente at ang iba pang kamanggagawa ko. Ang pangalan nila'y nakasulat sa aklat ng buhay. Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko, magalak kayo! Ipadama ninyo sa lahat ang inyong kabutihang-loob. Malapit nang dumating ang Panginoon. Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. Bilang pagtatapos, mga kapatid, dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang. Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutuhan, tinanggap, narinig at nakita sa akin. Sa gayon, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan. Labis akong nagagalak sa Panginoon sapagkat pagkaraan ng mahabang panahon, minsan pang ipinamalas ninyo ang inyong pagmamalasakit sa akin. Alam kong hindi ninyo ako nalilimutan, wala nga lamang kayong pagkakataong matulungan ako. Hindi ko sinasabi ito dahil sa kayo'y pinaghahanapan ko ng tulong. Natutunan ko nang masiyahan, maging anuman ang aking kalagayan. Naranasan ko na ang maghikahos; naranasan ko na rin ang managana; natutuhan ko na ang sikreto kung paano masiyahan sa anumang kalagayan sa buhay, ang mabusog o ang magutom, ang managana o ang maghirap. Ang lahat ng ito'y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Cristo. Gayunman, ikinagagalak ko ang ginawa ninyong pagtulong sa aking mga paghihirap. Alam naman ninyo, mga taga-Filipos, na kayo lamang ang iglesyang nakahati ko sa hirap at ginhawa nang umalis ako sa Macedonia noong ako'y nagsisimula pa lamang sa pangangaral ng Magandang Balita. Noong ako'y nasa Tesalonica na, makailang ulit ding pinadalhan ninyo ako ng tulong. Hindi sa hangad kong laging tumanggap ng mga kaloob, kundi ang nais ko ay makatanggap kayo ng masaganang gantimpala. Narito ngayon ang katibayan ng labis-labis na kaloob ninyo sa akin. Higit pa sa pangangailangan ko ang tulong ninyo sa akin na hatid ni Epafrodito. Ang mga ito ay tulad ng mabangong handog sa Diyos, mga alay na katanggap-tanggap at kalugud-lugod sa kanya. At buhat sa hindi mauubos na kayamanan ng Diyos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Purihin ang ating Diyos at Ama magpakailanman! Amen. Paratingin ninyo sa lahat ng hinirang ng Diyos at nananalig kay Cristo Jesus ang aking pagbati at ng ating mga kapatid na kasama ko rito. Binabati kayo ng lahat ng mga hinirang ng Diyos, lalo na ng mga naglilingkod dito sa palasyo ng Emperador. Nawa'y sumainyong lahat ang pagpapala ng Panginoong Jesu-Cristo. Mula kay Pablo, apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos, at mula rin sa kapatid nating si Timoteo: Para sa mga taga-Colosas na hinirang ng Diyos at mga tapat na kapatid kay Cristo. Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama. Tuwing ipapanalangin namin kayo, lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos na Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Nabalitaan namin ang inyong pananalig kay Cristo Jesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng hinirang ng Diyos, dahil sa pag-asang makakamtan ninyo na inihanda para sa inyo doon sa langit. Nalaman ninyo ang tungkol sa pag-asang ito nang ipangaral sa inyo ang salita ng katotohanan, ang Magandang Balita na dumating sa inyo. Ito'y lumalaganap at nagdadala ng pagpapala sa buong daigdig, tulad ng nangyari sa inyo mula nang marinig at maunawaan ninyo ang katotohanan tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos. Natutunan ninyo ito kay Epafras, ang aming kamanggagawa, isang tapat na lingkod ni Cristo at kinatawan ninyo. Sa kanya namin nalaman ang tungkol sa pag-ibig na ipinagkaloob sa inyo ng Espiritu. Kaya't mula nang marinig namin ito, patuloy naming idinadalangin sa Diyos na sana'y ipaunawa niya sa inyo nang lubusan ang kanyang kalooban, sa pamamagitan ng karunungan at pang-unawang kaloob ng Espiritu. Sa gayon, makakapamuhay na kayo nang karapat-dapat at kalugud-lugod sa Panginoon, sasagana sa lahat ng uri ng mabubuting gawa, at lalawak ang inyong pagkakilala sa Diyos. Idinadalangin din naming patatagin niya kayo sa tulong ng kanyang dakilang kapangyarihan, upang inyong matiis na masaya at may pagtitiyaga ang lahat ng bagay. Lagi kayong magpasalamat sa Ama sapagkat minarapat niyang makabahagi kayo sa mga pangako ng Diyos para sa mga hinirang na nasa liwanag. Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak, na nagpalaya at nagdulot sa atin ng kapatawaran sa ating mga kasalanan. Si Cristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita. Siya ang panganay na anak at pangunahin sa lahat ng mga nilikha. Sapagkat sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi, pati ang mga espirituwal na kapangyarihan, paghahari, pamamahala, at pamumuno. Ang lahat ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya. Siya ang una sa lahat, at ang buong sansinukob ay nananatiling nasa kaayusan sa pamamagitan niya. Siya ang ulo ng iglesya na kanyang katawan. Siya ang pasimula, siya ang panganay na anak, ang unang binuhay mula sa mga patay, upang siya'y maging pangunahin sa lahat. Sapagkat minarapat ng Diyos na ang buo niyang kalikasan ay manatili sa Anak, at sa pamamagitan ng Anak, niloob ng Diyos na ang lahat ng bagay, maging sa langit o sa lupa, ay makipagkasundo sa kanya; pakikipagkasundo sa pamamagitan ng pag-aalay ng Anak ng kanyang dugo sa krus. Dati, kayo'y malayo sa Diyos at naging kaaway niya dahil sa inyong paggawa at pag-iisip ng masasama. Ngunit sa pamamagitan ng pagkamatay ni Cristo, kayo ay ginawang kaibigan ng Diyos, nang sa gayon ay maiharap niya kayong banal, walang kapintasan at walang dungis. Subalit kailangan ninyong manatiling tapat at matatag sa inyong pananampalataya at huwag pabayaang mawala ang pag-asang dulot ng Magandang Balita na inyong narinig. Niloob ng Diyos na akong si Pablo ay maging tagapangaral ng Magandang Balitang ito na ipinahayag sa lahat ng tao sa buong daigdig. Nagagalak ako sa aking paghihirap alang-alang sa inyo, sapagkat sa pamamagitan nito'y naipagpapatuloy ko ang paghihirap na kailangan pang gawin ni Cristo para sa iglesya na kanyang katawan. Ako'y naging lingkod nito nang piliin ako ng Diyos upang ipahayag sa inyo ang kanyang salita, ang hiwaga na sa mahabang panahon ay inilihim sa maraming sali't saling lahi, ngunit ngayo'y inihayag na sa kanyang mga pinili. Niloob ng Diyos na ihayag sa lahat ng mga Hentil ang dakila at kamangha-manghang hiwagang ito na walang iba kundi si Cristo na nasa inyo. Siya ang ating pag-asa na tayo'y makakabahagi sa kaluwalhatian ng Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit ipinapangaral namin si Cristo. Ang lahat ay aming pinapaalalahanan at tinuturuan nang may buong kaalaman upang maiharap namin sa Diyos ang bawat isa nang ganap at walang kapintasan dahil sa kanilang pakikipag-isa kay Cristo. Ito ang aking pinagsisikapang matupad sa pamamagitan ng kapangyarihang kaloob sa akin ni Cristo. Nais kong malaman ninyong gayon na lamang ang pagsisikap ko para sa inyo, gayundin para sa mga taga-Laodicea at sa lahat ng hindi pa nakakakita sa akin nang personal. Ginagawa ko ito upang palakasin ang kanilang loob at upang mabuklod sila sa pag-ibig. Sa gayon, mararanasan nila ang ganap na pagpapala ng tunay na pagkaunawa at kaalaman patungkol sa hiwaga ng Diyos, na walang iba kundi si Cristo. Sa pamamagitan niya nahahayag ang lahat ng kayamanan ng karunungan at kaalaman ng Diyos. Sinasabi ko ito upang hindi kayo mailigaw ninuman sa pamamagitan ng mga pananalitang mapanghikayat. Kahit na wala ako riyan, kasama naman ninyo ako sa espiritu. At ako'y nagagalak sa inyong maayos na pamumuhay at matibay na pananalig kay Cristo. Sapagkat tinanggap na ninyo si Cristo Jesus bilang Panginoon, mamuhay kayo sa paraang karapat-dapat sa kanya. Magpakatatag kayo at patuloy na lumago sa pagkakilala sa kanya. Magpakatibay kayo sa pananampalatayang itinuro sa inyo, at lagi kayong magpasalamat sa Diyos. Mag-ingat kayo upang hindi kayo mabihag ninuman sa pamamagitan ng walang kabuluhan at madayang katuruan na hindi kay Cristo nagmula, kundi sa mga tradisyon ng mga tao at sa mga alituntunin ng mundong ito. Sapagkat likas kay Cristo ang buong pagka-diyos kahit na siya'y nagkatawang-tao. Kaya't kayo'y ganap na sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa sa kanya, na siyang nakakasakop sa lahat ng kapangyarihan at pamamahala. Sa pamamagitan din ni Cristo, kayo'y tinuli hindi ayon sa laman kundi ayon sa Espiritu. Sa pamamagitan ng bautismo, nailibing kayong kasama ni Cristo at muli rin kayong nabuhay na kasama niya dahil sa inyong pananalig sa kapangyarihan ng Diyos na muling bumuhay sa kanya. Kayong dating patay dahil sa kasalanan, kayong mga Hentil na hindi nasasakop ng Kautusan ay binuhay ng Diyos na kasama ni Cristo. Pinatawad niya ang ating mga kasalanan at pinawalang-bisa ang lahat ng naisulat na alituntunin laban sa atin, pati ang mga pananagutang kaugnay nito. Pinawi niya ang lahat ng ito nang ipako siya sa krus. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, nilupig niya ang mga pinuno at kapangyarihan ng sanlibutan. Ang mga ito'y parang mga bihag na kanyang ipinarada sa madla bilang katunayan ng kanyang pagtatagumpay. Kaya't huwag na kayong magpapasakop pa sa anumang alituntunin tungkol sa pagkain o inumin, tungkol sa mga kapistahan, sa bagong buwan o sa Araw ng Pamamahinga. Ang mga ito'y anyo lamang ng mga bagay na darating, ngunit si Cristo ang katuparan ng lahat ng ito. Huwag kayong magpapatangay sa mga nagpapakita ng maling pagpapakumbaba at sumasamba sa mga anghel. Ipinagmamalaki nilang sila'y nakakahigit sa inyo dahil sa ipinaggigiitan nilang mga bagay na di naman nakikita. Ngunit ang totoo, nagyayabang lamang sila dala ng kanilang isipang makalaman. Hindi sila nagpapasakop kay Cristo na siyang ulo at may kapangyarihan sa buong katawan. Siya rin ang nagdurugtong ng mga bahagi nito sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid. Siya ang nangangalaga at nagpapaunlad sa buong katawan ayon sa pag-unlad na ninanais ng Diyos. Kayo'y namatay nang kasama ni Cristo at hindi na sakop ng mga alituntunin ng mundong ito. Bakit pa kayo sumusunod sa mga alituntuning tulad ng “Huwag hahawak nito,” “Huwag titikim niyan,” “Huwag gagalawin iyon”? Ang mga ito'y utos at katuruan lamang ng tao, at nauukol sa mga bagay na nauubos kapag ginagamit. Sa biglang tingin, tila nga makakabuti ang ganoong uri ng pagsamba at ang ganoong pagpapakumbaba at pagpapahirap sa sariling katawan. Ngunit ang mga ito ay hindi nakakapigil sa hilig ng laman. Binuhay kayong muli na kasama ni Cristo, kaya't ang pagtuunan ninyo ng isip ay ang mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Diyos. Ang mga bagay na panlangit ang isaisip ninyo, hindi ang mga bagay na panlupa, sapagkat namatay na kayo at ang inyong tunay na buhay ay natatago sa Diyos, kasama ni Cristo. Si Cristo ang inyong buhay, at kapag siya'y nahayag na, mahahayag din kayong kasama niya at makakahati sa kanyang karangalan. Kaya't dapat nang mawala sa inyo ang mga pagnanasang makalaman, ang pakikiapid, kahalayan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masasamang nasa, at ang kasakiman na isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan. Dahil sa mga ito, tatanggap ng parusa ng Diyos ang mga taong ayaw pasakop sa kanya. Kayo man ay namuhay din ayon sa mga pitang iyon nang kayo ay pinaghaharian pa ng mga ito. Ngunit ngayon, itakwil na ninyo ang lahat ng galit, poot, at sama ng loob. Iwasan na ninyo ang panlalait at malaswang pananalita. Huwag kayong magsisinungaling sa isa't isa, sapagkat hinubad na ninyo ang dati ninyong pagkatao, pati ang mga gawa nito. Isinuot ninyo ang bagong pagkatao na patuloy na nababago at nagiging kalarawan ng Diyos na lumikha sa inyo, upang lalo ninyo siyang makilala. Kaya't sa kalagayang ito, wala nang pagkakaiba ang Griego at ang Judio, ang tuli at ang di-tuli, ang dayuhan at ang mabangis na tao, ang alipin at ang malaya. Ngunit si Cristo ang pinakamahalaga sa lahat, at siya'y nasa inyong lahat. Kaya nga, dahil kayo'y hinirang ng Diyos, minamahal niya at pinili para sa kanya, dapat kayong maging mahabagin, mabait, mapagpakumbabá, mahinahon, at mapagtiis. Magpasensiya kayo sa isa't isa at magpatawad kayo kung may hinanakit kayo kaninuman. Magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon. At higit sa lahat, magmahalan kayo, sapagkat ang pag-ibig ang buklod ng ganap na pagkakaisa. Paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Cristo, sapagkat iyan ang dahilan kung bakit kayo tinawag sa iisang katawan. Magpasalamat kayong lagi. Ang salita ni Cristo'y hayaan ninyong lubusang manatili sa inyong puso. Turuan ninyo at paalalahanan ang isa't isa nang may buong karunungan. Buong puso kayong umawit ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal, nang may pagpapasalamat sa Diyos. At anuman ang inyong sasabihin o gagawin, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan niya'y magpasalamat kayo sa Diyos Ama. Mga babae, pasakop kayo sa inyong asawa, sapagkat iyan ang kalooban ng Panginoon. Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa, at huwag kayong maging malupit sa kanila. Mga anak, sundin ninyong lagi ang inyong mga magulang, sapagkat iyan ang nakalulugod sa Panginoon. Mga magulang, huwag ninyong pagagalitan nang labis ang inyong mga anak at baka masiraan sila ng loob. Mga alipin, sa lahat ng bagay ay sundin ninyo ang inyong mga amo. May nakakakita man o wala, maglingkod kayo hindi upang kalugdan ng mga tao, kundi dahil sa kayo'y talagang tapat at may takot sa Panginoon. Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang buong puso na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa tao. Sapagkat si Cristo ang Panginoong pinaglilingkuran ninyo at alalahanin ninyong pagkakalooban kayo ng Panginoon ng gantimpalang inilaan niya para sa inyo. Ang makasalanan naman ay paparusahan niya sa kanilang kasalanan, sapagkat ang Diyos ay walang kinikilingan. Mga amo, maging mabuti kayo at makatarungan sa mga naglilingkod sa inyo. Alalahanin ninyong kayo man ay may Panginoon sa langit. Maging matiyaga kayo sa pananalangin, laging handa at nagpapasalamat sa Diyos. Idalangin ninyo sa Diyos na bigyan kami ng pagkakataon na maipangaral ang kanyang salita at maipahayag ang hiwaga ni Cristo, ang sanhi ng pagkabilanggo ko ngayon. Ipanalangin din ninyong maipahayag ko ito nang buong linaw, gaya ng nararapat. Maging matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi nananampalataya at pahalagahan ninyo ang bawat pagkakataon. Sikapin ninyong laging maging kaaya-aya at kapaki-pakinabang ang inyong pananalita sa kanila, at matuto kayong sumagot nang tama sa sinumang nagtatanong. Si Tiquico ang magbabalita sa inyo tungkol sa kalagayan ko rito. Siya ay minamahal naming kapatid, tapat na lingkod at kamanggagawa sa Panginoon. Pinapunta ko siya riyan para malaman ninyo ang aming kalagayan, nang sa gayon ay lumakas ang inyong loob. Kasama niya ang tapat at minamahal nating kapatid na si Onesimo, na kasamahan ninyo. Sila ang magbabalita sa inyo ng lahat ng nangyari dito. Kinukumusta kayo ni Aristarco, na bilanggo ring kasama ko, at ni Marcos na pinsan ni Bernabe. Tungkol naman kay Marcos, mayroon nang bilin sa inyo na malugod ninyo siyang tanggapin pagdating niya riyan. Kinukumusta rin kayo ni Jesus na kilala rin sa pangalang Justo. Silang tatlo lamang ang mga Cristianong Judio rito na kasama ko sa pangangaral tungkol sa paghahari ng Diyos, at sila'y malaking tulong sa akin. Kinukumusta rin kayo ng kababayan ninyong si Epafras, na lingkod ni Cristo Jesus. Lagi niyang idinadalangin nang buong taimtim na kayo'y maging matatag, ganap, at lubos na masunurin sa kalooban ng Diyos. Saksi ako sa pagsisikap niya para sa inyo at sa mga nasa Laodicea at Hierapolis. Nangungumusta rin sa inyo si Demas at ang minamahal nating manggagamot na si Lucas. Ikumusta ninyo ako sa mga kapatid sa Laodicea, gayundin kay Nimfa at sa iglesyang nagtitipon sa kanyang bahay. Pagkabasa ninyo ng sulat na ito, ipabasa rin ninyo ito sa iglesya sa Laodicea. Basahin din ninyo ang sulat kong manggagaling doon. At pakisabi ninyo kay Arquipo na ipagpatuloy ang gawaing tinanggap niya sa Panginoon. Akong si Pablo ang siyang sumulat ng pagbating ito. Huwag ninyo sanang kalilimutan na ako'y nakabilanggo. Nawa'y sumainyo ang pagpapala ng Diyos. Mula kina Pablo, Silas, at Timoteo— Para sa iglesya sa Tesalonica, ang mga hinirang ng Diyos Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo. Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan ng Diyos. Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyo at tuwina'y kasama kayo sa aming mga dalangin. Binabanggit namin sa harapan ng ating Diyos at Ama ang inyong mga gawaing bunga ng inyong pananampalataya, ang inyong mga pagpapagal dahil sa inyong pag-ibig, at ang inyong pagtitiis dahil sa inyong pag-asa sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Mga kapatid, nalalaman namin na kayo'y pinili ng Diyos na nagmamahal sa inyo. Ang Magandang Balitang lubos naming pinaniniwalaan ay ipinahayag namin sa inyo hindi lamang sa pamamagitan ng salita, kundi sa pamamagitan din ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Nakita ninyo kung paano kami namuhay sa inyong piling; ito ay ginawa namin alang-alang sa inyo. Namuhay kayo ayon sa aming halimbawa at ayon sa Panginoon. Nang tanggapin ninyo ang Magandang Balita, dumanas kayo ng napakaraming paghihirap, gayunpama'y taglay pa rin ninyo ang kagalakang kaloob ng Espiritu Santo. Kaya't naging huwaran kayo ng mga kapatid sa Macedonia at Acaya, sapagkat hindi lamang ang katuruan tungkol sa Panginoon ang lumaganap sa Macedonia at Acaya sa pamamagitan ninyo. Ang inyong pananampalataya sa Diyos ay nabalita rin sa lahat ng dako, kaya't hindi na kailangang magsalita pa kami tungkol dito. Ang mga tagaroon na rin ang nagbabalita kung paano ninyo kami tinanggap. Sila rin ang nagsasabi kung paano ninyo tinalikuran ang pagsamba sa mga diyus-diyosan upang maglingkod sa tunay at buháy na Diyos, at maghintay sa pagbabalik ng kanyang Anak mula sa langit. Ito'y si Jesus na muli niyang binuhay; na siya ring nagliligtas sa atin sa darating na poot ng Diyos. Mga kapatid, kayo na rin ang nakakaalam na hindi nawalan ng kabuluhan ang pagpunta namin sa inyo. Alam ninyong hinamak kami't ininsulto sa Filipos, ngunit sa kabila ng maraming hadlang, binigyan kami ng Diyos ng lakas ng loob na ipahayag sa inyo ang Magandang Balita. Ang pangangaral namin sa inyo ay hindi batay sa kamalian, o sa masamang pagnanasa, o sa hangad na manlinlang. Sapagkat minarapat ng Diyos na ipagkatiwala sa amin ang Magandang Balita, nangangaral kami sa inyo, hindi upang bigyang-kasiyahan ang tao, kundi ang Diyos na nakakasiyasat ng ating puso. Alam ng Diyos at alam din ninyo na ang aming pangangaral ay hindi sa pamamagitan ng matatamis na pangungusap, o ng mga salitang nagkukubli ng kasakiman. Hindi kami naghangad ng papuri ninyo o ninuman kahit na, bilang mga apostol ni Cristo, ay may katuwiran kaming umasa ng ganoon. Ngunit naging magiliw kami sa inyo, tulad ng isang mapagkalingang ina sa kanyang mga anak. Dahil sa laki ng aming pagmamahal sa inyo, hindi lamang namin inihandog ang aming sarili sa pangangaral sa inyo ng Magandang Balita, kundi maging ang aming buhay ay ihahandog din namin. Mga kapatid, tiyak na natatandaan pa ninyo kung paano kami nagtrabaho at nagsikap araw-gabi para hindi kami makabigat kaninuman habang ipinapahayag namin sa inyo ang Magandang Balitang mula sa Diyos. Saksi ang Diyos at saksi rin namin kayo, kung paanong naging dalisay, matuwid, at walang kapintasan ang aming pakikitungo sa inyo na mga sumasampalataya. Tulad ng alam ninyo, kami'y naging parang ama sa bawat isa sa inyo. Pinayuhan namin kayo, pinalakas namin ang inyong loob, at hinikayat na mamuhay nang tapat sa paningin ng Diyos na tumawag sa inyo upang mapabilang sa kanyang kaharian at kaluwalhatian. Kaya nga, palagi kaming nagpapasalamat sa Diyos, sapagkat nang ipangaral namin sa inyo ang kanyang salita, hindi ninyo ito tinanggap mula sa tao, kundi bilang tunay na salita ng Diyos, at ang bisa nito'y nakikita sa buhay ninyo na mga sumasampalataya. Mga kapatid, ang nangyari sa inyo ay tulad ng nangyari sa mga iglesya ng Diyos sa Judea, sa mga nananalig kay Cristo Jesus. Inuusig kayo ng inyong mga kababayan, tulad din ng mga taga-Judea na inusig ng kapwa nila Judio. Ang mga Judiong ito ang pumatay sa Panginoong Jesus at sa mga propeta. Sila rin ang umuusig sa amin. Nagagalit sa kanila ang Diyos at kaaway sila ng lahat ng tao! Hinahadlangan nila ang aming pangangaral na makakapagligtas sa mga Hentil. Umabot na sa sukdulan ang kanilang kasamaan, kaya't ngayon ay bumagsak na ang poot ng Diyos sa kanila. At ngayon, mga kapatid, nang kami'y sandaling malayo sa inyo, hindi sa alaala kundi sa paningin, labis kaming nangulila. Kaya't sabik na sabik na kaming makita kayong muli at nais naming makabalik diyan. Makailang ulit kong binalak dumalaw diyan sa inyo, ngunit lagi kaming hinahadlangan ni Satanas. Hindi ba't kayo lamang ang aming pag-asa, kaligayahan, at ang koronang maipagmamalaki namin sa harap ng Panginoong Jesus pagparito niya? Oo, kayo ang aming karangalan at kaligayahan. Nang hindi na kami makatiis, minabuti naming magpaiwan sa Atenas at suguin sa inyo si Timoteo na ating kapatid at kamanggagawa sa Diyos sa pangangaral ng Magandang Balita tungkol kay Cristo. Isinugo namin siya upang patatagin kayo at palakasin ang inyong loob alang-alang sa inyong pananampalataya, upang hindi manghina ang sinuman sa inyo dahil sa mga pag-uusig. Alam ninyong ang mga pag-uusig ay bahagi ng kalooban ng Diyos para sa atin. Ipinagpauna na namin sa inyo noong naririyan pa kami na tayo'y uusigin, at gayon nga ang nangyayari tulad ng alam ninyo. Kaya nga, nang hindi na ako makatiis ay nagpadala ako riyan ng sugo upang alamin ang kalagayan ngayon ng inyong pananampalataya sa Panginoon. Nag-aalala ako na baka nalinlang na kayo ng diyablo, at kung magkagayo'y mawawalan ng kabuluhan ang aming pagpapagal. Ngayon ay nakabalik na rito si Timoteo, at maganda ang balita niya tungkol sa inyong pananampalataya at pag-ibig. Ibinalita rin niya sa amin na lagi ninyo kaming naaalala at malaki ang pananabik na makita kami, gaya ng pananabik naming makita kayo. Mga kapatid, dahil sa inyong pananampalataya kay Cristo ay naaliw kami sa gitna ng aming pagkabalisa at mga hirap. Nabuhayan kami ng loob dahil sa inyong pananatiling matatag sa pananampalataya. Paano kaya namin mapapasalamatan nang sapat ang Diyos dahil sa kagalakang natamo namin dahil sa inyo? Mataimtim naming idinadalangin araw-gabi na kayo'y muli naming makita at mapunuan ang anumang kakulangan sa inyong pananampalataya. Loobin nawa ng ating Diyos Ama at ng ating Panginoong Jesus na makapunta kami diyan sa inyo. Nawa'y pasaganain at pag-umapawin ng Panginoon ang inyong pag-ibig sa isa't isa at sa lahat ng tao, tulad ng pag-ibig namin sa inyo. Palalakasin niya ang inyong loob upang kayo'y manatiling banal at walang kapintasan sa harap ng ating Diyos at Ama hanggang sa muling pagdating ng ating Panginoong Jesus, kasama ang kanyang mga hinirang. Kaya nga, mga kapatid, isa pang bagay ang ipinapakiusap namin at ipinapayo sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesus. Sana'y lalo pa ninyong pagbutihin ang inyong pamumuhay ngayon, pamumuhay sang-ayon sa inyong natutuhan sa amin, upang kayo'y maging kalugud-lugod sa Diyos. Alam naman ninyo kung ano ang mga katuruang ibinigay namin sa inyo buhat sa Panginoong Jesus. Kalooban ng Diyos na kayo'y magpakabanal at lumayo sa lahat ng uri ng kahalayan. Dapat maging banal at marangal ang pakikitungo ng bawat isa sa kanyang asawa, at hindi pagsunod lamang sa nasa ng laman tulad ng inaasal ng mga Hentil na hindi nakakakila sa Diyos. Sa bagay na ito, huwag ninyong pagsamantalahan ang inyong kapwa at huwag siyang dadayain sa anumang paraan, sapagkat mahigpit na paparusahan ng Panginoon ang gumagawa ng ganitong kasamaan, tulad ng sinabi namin at pinatotohanan sa inyo noon pa man. Tayo'y tinawag ng Diyos upang mamuhay sa kabanalan, hindi sa kahalayan. Kaya, ang sinumang ayaw sumunod sa katuruang ito ay hindi sa tao sumusuway, kundi sa Diyos na siyang nagkakaloob sa inyo ng kanyang Espiritu Santo. Tungkol naman sa pag-ibig na dapat iukol sa mga kapatid sa pananampalataya, hindi na kailangang paalalahanan pa kayo dahil itinuro na sa inyo ng Diyos kung paano kayo mag-iibigan. At ito na nga ang ginagawa ninyo sa mga kapatid sa buong Macedonia. Gayunman, ipinapakiusap pa rin namin sa inyo, mga kapatid, na pag-ibayuhin pa ninyo ang inyong pag-ibig. Pagsikapan ninyong mamuhay nang tahimik, pakialaman ang sariling gawain, at magtrabaho kayo upang mabuhay tulad ng itinuro namin sa inyo. Dahil dito, kayo ay igagalang ng mga hindi mananampalataya at hindi kayo aasa sa iba para sa inyong ikabubuhay. Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang katotohanan tungkol sa mga namatay na upang hindi kayo magdalamhati tulad ng mga taong walang pag-asa. Dahil naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay, naniniwala din tayong bubuhayin ng Diyos ang lahat ng namatay na sumasampalataya kay Jesus upang isama sa kanya. Ito ang katuruan ng Panginoon na sinasabi namin sa inyo: tayong mga nabubuhay pa, tayong mga natitira pa hanggang sa pagparito ng Panginoon, ay hindi mauuna sa mga namatay na. Sa araw na iyon kasabay ng malakas na utos, ng tinig ng arkanghel, at ng tunog ng trumpeta ng Diyos, bababâ ang Panginoon mula sa langit. Ang mga namatay na sumasampalataya kay Cristo ay bubuhayin muna. Pagkatapos, tayo namang mga buháy pa at natitira ay titipunin sa alapaap kasama ng mga binuhay upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Sa gayon, makakapiling natin siya magpakailanman. Kaya nga, palakasin ninyo ang loob ng bawat isa sa pamamagitan ng mga aral na ito. Mga kapatid, hindi na kailangang isulat ko pa sa inyo kung kailan magaganap ang mga bagay na ito, sapagkat alam na ninyo na ang pagdating ng araw ng Panginoon ay tulad ng pagdating ng magnanakaw sa gabi. Kapag sinasabi ng mga tao, “Tiwasay at panatag ang lahat,” biglang darating ang sakuna. Hindi sila makakaiwas sapagkat ang pagdating nito'y tulad ng pagsumpong ng sakit ng tiyan ng isang babaing manganganak. Ngunit wala na kayo sa kadiliman, mga kapatid, kaya't hindi kayo mabibigla sa Araw na iyon na darating na parang magnanakaw. Kayong lahat ay kabilang sa panig ng liwanag, sa panig ng araw, hindi sa panig ng gabi o ng dilim. Kaya nga, kailangang tayo'y manatiling gising, laging handa, at malinaw ang isip, at di tulad ng iba. Sa gabi ay karaniwang natutulog ang tao, at sa gabi rin karaniwang naglalasing. Ngunit dahil tayo'y sa panig ng araw, dapat maging malinaw ang ating pag-iisip. Isuot natin ang baluti ng pananampalataya at pag-ibig, at isuot ang helmet ng pag-asa sa pagliligtas na gagawin sa atin ng Diyos. Hindi tayo pinili ng Diyos upang parusahan, kundi upang iligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Namatay siya para sa atin upang tayo'y mabuhay na kasama niya, maging buháy man tayo o patay na sa kanyang muling pagparito. Dahil dito, palakasin ninyo ang loob ng bawat isa at magtulungan kayo tulad ng ginagawa ninyo ngayon. Mga kapatid, ipinapakiusap namin na igalang ninyo ang mga nagpapakahirap sa pamamahala at pagtuturo sa inyo alang-alang sa Panginoon. Pag-ukulan ninyo sila ng lubos na paggalang at pag-ibig dahil sa kanilang gawain. Mamuhay kayo nang mapayapa. Mga kapatid, ipinapakiusap din namin na inyong pagsabihan ang mga tamad, pasiglahin ang mahihinang-loob, at kalingain ang mga mahihina. Pagtiyagaan ninyo silang lahat. Huwag ninyong paghigantihan ang gumawa sa inyo ng masama; sa halip, magpatuloy kayo sa paggawa ng mabuti sa isa't isa at sa lahat. Magalak kayong lagi, palagi kayong manalangin, at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. Huwag na ninyong hadlangan ang Espiritu Santo. Huwag na ninyong bale-walain ang anumang pahayag mula sa Diyos. Suriin ninyo ang lahat ng bagay at gawin ang mabuti. Lumayo kayo sa lahat ng uri ng kasamaan. Nawa'y lubusan kayong gawing banal ng Diyos na siyang nagbibigay ng kapayapaan. At nawa'y panatilihin niyang walang kapintasan ang buo ninyong katauhan, ang espiritu, kaluluwa at katawan, hanggang sa pagparito ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Tapat ang tumawag sa inyo, at gagawin niya ang mga bagay na ito. Mga kapatid, ipanalangin din ninyo kami. Batiin ninyo ang lahat ng mga mananampalataya bilang kapatid kay Cristo. Ipinapakiusap namin sa inyo sa pangalan ng Panginoon na basahin ang sulat na ito sa lahat ng mga kapatid. Sumainyo nawa ang pagpapala ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Mula kina Pablo, Silas, at Timoteo—Para sa iglesya sa Tesalonica, sa mga hinirang ng Diyos Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo. Sumainyo nawa ang pagpapala at ang kapayapaang mula sa ating Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Mga kapatid, tama lamang na kami'y laging magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo, sapagkat patuloy na tumatatag ang inyong pananampalataya kay Cristo at lalong nagiging maalab ang inyong pagmamahalan sa isa't isa. Ipinagmamalaki namin kayo sa lahat ng mga kaanib sa iglesya ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya, sa gitna ng mga pag-uusig at mga kahirapang dinaranas ninyo. Ang lahat ng ito'y nagpapatunay na makatarungan ang paghatol ng Diyos, at ginagawa niya kayong karapat-dapat sa kanyang kaharian na siyang dahilan ng inyong pagtitiis. Gagawin ng Diyos ang nararapat; tiyak na pahihirapan niya ang mga nagpapahirap sa inyo. Kayo namang mga nagtitiis ay aaliwin niyang kasama namin sa pagbabalik ng Panginoong Jesus mula sa langit kasama ang kanyang mga makapangyarihang anghel. Darating siya sa gitna ng naglalagablab na apoy at paparusahan ang lahat ng hindi kumilala sa Diyos at hindi sumunod sa Magandang Balita ng ating Panginoong Jesus. Ang parusa sa kanila ay walang hanggang kapahamakan at mahihiwalay sila sa Panginoon at sa dakila niyang kapangyarihan. Mangyayari ito sa araw ng kanyang pagparito upang tanggapin ang papuri mula sa kanyang mga pinili at ang parangal ng lahat ng sumasampalataya sa kanya. Kabilang kayo roon sapagkat tinanggap ninyo ang Magandang Balitang ipinahayag namin sa inyo. Dahil dito, lagi namin kayong idinadalangin sa Diyos, na nawa'y maging karapat-dapat kayo sa pagkatawag niya sa inyo. At sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, nawa'y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng mabuti ninyong hinahangad, at maging ganap ang inyong mga gawaing ibinunga ng pananampalataya. Sa gayon, mapaparangalan ninyo ang ating Panginoong Jesus, at kayo naman ay pararangalan din niya, ayon sa kagandahang-loob ng Diyos at ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Mga kapatid, tungkol naman sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pagtitipon sa atin upang makapiling niya, nakikiusap kami sa inyo na huwag agad magúgulo ang inyong isipan o mababahala kung mabalitaan ninyong dumating na ang araw ng Panginoon. Huwag kayong maniniwala kahit sabihin pa nilang iyon ay pangangaral o pahayag, o isinulat namin. Huwag kayong magpapadaya kaninuman sa anumang paraan. Hindi darating ang araw ng Panginoon hangga't di pa nagaganap ang huling paghihimagsik laban sa Diyos at ang paglitaw ng Suwail na tiyak na mapapahamak. Itataas niya ang kanyang sarili at kakalabanin ang lahat ng kinikilalang diyos at sinasamba ng mga tao. Uupo siya sa Templo ng Diyos at magpapakilalang siya ang Diyos. Hindi ba ninyo natatandaan? Sinabi ko na ito sa inyo nang ako'y kasama pa ninyo. Hindi pa nga lamang nangyayari ito dahil may pumipigil pa, at alam ninyo kung ano iyon. Lilitaw ang Suwail pagdating ng takdang panahon. Ngayon pa man ay palihim na siyang gumagawa ng kasamaan at mananatiling ganyan hangga't di naaalis ang humahadlang sa kanya. Kung maalis na ang humahadlang, mahahayag na ang Suwail. Ngunit pagdating ng Panginoong Jesus, papatayin niya ang Suwail sa pamamagitan lamang ng pag-ihip at pupuksain niya ito sa pamamagitan ng kanyang nakakasilaw na liwanag. Paglitaw ng Suwail, taglay niya ang kapangyarihan ni Satanas. Gagawa siya ng lahat ng uri ng mapanlinlang na mga himala at kababalaghan. Gagamit siya ng lahat ng uri ng pandaraya sa mga mapapahamak, sa mga taong ayaw umibig sa katotohanan na makakapagligtas sana sa kanila. Dahil ayaw nilang tanggapin ang katotohanan, hahayaan ng Diyos na sila'y malinlang ng espiritu ng kamalian at maniwala sa kasinungalingan. Sa gayon, mapaparusahan ang lahat ng pumili sa kasamaan sa halip na tumanggap sa katotohanan. Mga kapatid na minamahal ng Panginoon, dapat kaming magpasalamat palagi sa Diyos dahil sa inyo. Kabilang kayo sa mga unang pinili niya upang pagkalooban ng kaligtasan sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ng inyong pananalig sa katotohanan. Tinawag kayo ng Diyos sa pamamagitan ng Magandang Balita na ipinahayag namin sa inyo upang makasama kayo sa kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Kaya nga, mga kapatid, magpakatatag kayo sa mga katotohanang itinuro namin sa inyo, batay sa sinabi at isinulat namin. Aliwin nawa kayo ng ating Panginoong Jesu-Cristo at ng ating Diyos Ama na umibig sa atin, at dahil sa kanyang kagandahang-loob ay nagbigay sa atin ng hindi nagbabagong lakas ng loob at matibay na pag-asa. Bigyan nawa kayo ng matatag na kalooban upang maipahayag ninyo at maisagawa ang lahat ng mabuti. Mga kapatid, bilang pagtatapos, ipanalangin ninyo kami upang ang salita ng Panginoon ay mabilis na lumaganap at pahalagahan ng lahat, tulad ng ginagawa ninyo. Idalangin din ninyong maligtas kami sa mga taong masasama at walang kinikilalang Diyos, sapagkat hindi lahat ay may pananampalataya sa Diyos. Ngunit tapat ang Panginoon; siya ang magpapatatag at mag-iingat sa inyo laban sa Masama. Dahil sa Panginoon, malaki ang aming pagtitiwala na sinusunod ninyo at patuloy na susundin ang mga itinuro namin sa inyo. Patnubayan nawa kayo ng Panginoon upang lalo ninyong maunawaan na kayo ay mahal ng Diyos at si Cristo ang nagpapatatag sa inyo. Mga kapatid, iniuutos namin sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo na layuan ninyo ang sinumang kapatid na tamad at ayaw sumunod sa mga itinuro namin sa inyo. Alam naman ninyo na dapat ninyong tularan ang aming ginawa. Hindi kami naging tamad nang kami'y kasama pa ninyo. Hindi kami nakikain kaninuman nang walang bayad. Nagtrabaho kami araw-gabi upang hindi makabigat kaninuman sa inyo. Ginawa namin ito hindi dahil sa wala kaming karapatan sa inyong tulong, kundi upang kayo'y bigyan ng halimbawang dapat tularan. Nang kami ay kasama pa ninyo, ito ang itinuro namin sa inyo, “Huwag ninyong pakainin ang sinumang ayaw magtrabaho.” Binanggit namin ito dahil nabalitaan naming may ilan sa inyong ayaw magtrabaho, at walang inaatupag kundi ang makialam sa buhay ng may buhay. Sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo, mahigpit naming iniuutos sa mga taong ito na sila'y maghanapbuhay nang maayos at huwag umasa sa iba. Mga kapatid, huwag kayong magsasawa sa paggawa ng mabuti. Maaaring mayroon sa inyo diyan na hindi susunod sa sinasabi namin sa sulat na ito. Kung magkagayon, tandaan ninyo siya at huwag kayong makihalubilo sa kanya, upang siya'y mapahiya. Ngunit huwag naman ninyo siyang ituturing na kaaway; sa halip, pangaralan ninyo siya bilang kapatid. Ang Panginoon na pinagmumulan ng kapayapaan ang siya nawang magkaloob sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng paraan at pagkakataon. Nawa'y sumainyong lahat ang Panginoon. Akong si Pablo ang sumulat ng pagbating ito. Ito ang aking lagda sa lahat ng sulat ko. Ganito ako sumulat. Sumainyo nawang lahat ang pagpapala ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas at ni Cristo Jesus na ating pag-asa— Kay Timoteo na tunay kong anak sa pananampalataya. Sumaiyo nawa ang pagpapala, habag at kapayapaang buhat sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon. Gaya ng ipinakiusap ko sa iyo bago ako pumunta sa Macedonia, nais kong manatili ka sa Efeso upang utusan mo ang ilang tao diyan na huwag magturo ng maling aral, at huwag nilang pag-aksayahan ng panahon ang mga alamat at mahahabang talaan ng mga angkan. Iyan ay pinagmumulan lamang ng mga pagtatalo at hindi nakakatulong sa tao upang matupad ang plano ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang layunin ng tagubiling ito ay upang magkaroon kayo ng pag-ibig na nagmumula sa pusong dalisay, malinis na budhi at tapat na pananampalataya. May ilang tumalikod sa mga bagay na ito at nalulong sa walang kabuluhang pakikipagdebate. Nais nilang maging tagapagturo ng kautusan gayong hindi naman nila nauunawaan ang kanilang sinasabi at ang kanilang ipinagpipilitang ituro. Alam naman nating ang Kautusan ay mabuti kung ginagamit sa tamang paraan. Alalahanin nating ang Kautusan ay hindi ginawa para sa mabubuting tao, kundi para sa mga walang kinikilalang batas at mga kriminal, para sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga makasalanan, para sa mga lapastangan sa Diyos at walang hilig sa kabanalan, para sa mga mamamatay-tao at pumapatay ng sariling ama o ina. Ibinigay rin ang Kautusan para sa mga mahihilig sa kahalayan at nakikiapid sa kapwa lalaki, para sa mga kidnaper, para sa mga sinungaling at sa mga saksing hindi nagsasabi ng totoo. Ang Kautusan ay ibinigay para sa lahat ng mga sumasalungat sa mabuting aral. Ang aral na ito'y ayon sa Magandang Balita na ipinagkatiwala sa akin ng dakila at mapagpalang Diyos. Nagpapasalamat ako sa ating Panginoong Jesu-Cristo na nagbibigay sa akin ng lakas, dahil itinuring niya akong karapat-dapat na maglingkod sa kanya, kahit na noong una'y nilapastangan, inusig at nilait ko siya. Sa kabila nito'y nahabag sa akin ang Diyos sapagkat hindi ko nalalaman ang aking ginagawa noong ako'y hindi pa sumasampalataya. Pinasagana sa akin ang kagandahang-loob ng ating Panginoon at ipinagkaloob niya sa akin ang pananampalataya at pag-ibig na natatagpuan sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus. Totoo ang pahayag na ito at dapat paniwalaan ng lahat: Si Cristo Jesus ay dumating sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamasama sa lahat ng mga makasalanan. Ngunit akong pinakamasama ay kinahabagan, upang ipakita ni Cristo Jesus ang kanyang di-masukat na pag-ibig sa akin, at upang ito'y maging halimbawa sa mga sasampalataya at bibigyan ng buhay na walang hanggan. Purihin natin at luwalhatiin magpakailanman ang iisang Diyos, Haring walang hanggan, walang kamatayan at di-nakikita! Amen. Timoteo, anak ko, ang mga bagay na ito'y itinatagubilin ko sa iyo ayon sa mga pahayag na sinabi tungkol sa iyo upang sa pamamagitan nito ay masigla kang makipaglaban, na taglay ang matibay na pananampalataya at malinis na budhi. May mga taong hindi sumunod sa kanilang budhi, at dahil dito, ang pananampalataya nila ay natulad sa isang barkong nawasak. Kabilang sa mga iyon sina Himeneo at Alejandro, kaya ipinaubaya ko na sila sa kapangyarihan ni Satanas upang matigil na ang kanilang paglapastangan sa Diyos. Una sa lahat, ipinapakiusap kong idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan, panalangin, pagsamo, at pasasalamat para sa lahat ng tao. Idalangin rin ninyo ang mga hari at maykapangyarihan, upang tayo'y makapamuhay nang matahimik, mapayapa, maka-Diyos at marangal. Ito ang mabuti at nakalulugod sa Diyos na ating Tagapagligtas. Ibig niyang ang lahat ng tao ay maligtas at makaalam ng katotohanang ito. Sapagkat iisa ang Diyos, at tanging si Jesu-Cristo lamang ang taong tagapamagitan sa atin at sa Diyos. Inihandog niya ang kanyang buhay upang tubusin ang lahat mula sa kasalanan. Ang katotohanang ito ay pinatunayan sa takdang panahon. Dahil dito, ako'y pinili upang maging mangangaral, apostol at tagapagturo ng pananampalataya at katotohanang ito para sa mga Hentil. Totoo ang sinasabi kong ito, at hindi ako nagsisinungaling! Sa lahat ng dako, nais kong ang mga lalaki ay manalangin nang may malinis na puso, walang sama ng loob at galit sa kapwa. Ang mga babae naman ay dapat maging mahinhin, maayos at maingat sa pananamit at ayos ng buhok. Hindi sila dapat maging magarbo sa pananamit at maluho sa mga mamahaling alahas na ginto o perlas. Sa halip, ang maging kasuotan nila ay mabubuting gawa, gaya ng nararapat sa mga babaing itinuturing na maka-Diyos. Ang mga babae ay hayaang matuto sa kanilang pananahimik at sa lubos na pagpapasakop. Hindi ko sila pinapayagang magturo o sumabat habang ang mga lalaki ay nagtuturo, kundi dapat silang manahimik. Sapagkat si Adan ang unang nilalang bago si Eva, at hindi si Adan kundi si Eva ang nadaya at nagkasala. Ngunit maliligtas ang babae sa pagsisilang ng sanggol, kung magpapatuloy siya sa pananampalataya, pag-ibig, kabanalan at maayos na pamumuhay. Totoo ang pahayag na ito: Ang sinumang nagnanais na maging tagapangasiwa sa iglesya ay naghahangad ng mabuting gawain. Kaya nga, ang isang tagapangasiwa ay kailangang walang kapintasan; isa lamang ang asawa, marunong magpigil sa sarili, maingat, kagalang-galang, bukás ang tahanan sa iba, at may kakayahang magturo. Hindi siya lasenggo, hindi marahas, kundi mahinahon; hindi mahilig makipag-away at hindi maibigin sa salapi. Dapat mahusay siyang mamahala sa sariling pamilya, iginagalang at sinusunod ng kanyang mga anak. Sapagkat paano siyang makakapangasiwa nang maayos sa iglesya ng Diyos kung hindi niya maiayos ang sarili niyang pamilya? Kailangang siya'y matagal nang mananampalataya; sapagkat kung hindi, baka siya'y maging palalo at mapahamak na gaya ng diyablo. Bukod dito, kailangang siya'y may mabuting patotoo sa paningin ng mga hindi sumasampalataya upang di siya mapintasan at hindi mahulog sa bitag ng diyablo. Ang mga tagapaglingkod naman ay dapat ding maging kagalang-galang, tapat mangusap, hindi lasenggo at hindi sakim sa salapi. Kailangang sila'y tapat sa pananampalataya na ating ipinapahayag, at may malinis na budhi. Kailangang subukin muna sila, at kung mapatunayang sila'y karapat-dapat, saka sila gawing mga tagapaglingkod. Gayundin naman, ang mga babaing tagapaglingkod ay dapat maging kagalang-galang, hindi tsismosa, mapagtimpi at matapat sa lahat ng mga bagay. Ang mga tagapaglingkod sa iglesya ay dapat isa lamang ang asawa at maayos mangasiwa sa kanilang mga anak at sambahayan. Ang mga tagapaglingkod na tapat sa tungkulin ay iginagalang ng mga tao at buong tiwalang makapagpapahayag tungkol sa pananampalataya kay Cristo Jesus. Umaasa akong magkikita tayo sa lalong madaling panahon, ngunit isinulat ko ang mga ito upang kung hindi man ako makarating agad ay malaman mo kung ano ang dapat na maging ugali ng mga taong kabilang sa sambahayan ng Diyos na buháy, sa iglesya na haligi at saligan ng katotohanan. Hindi maikakaila na napakadakila ng hiwaga ng ating relihiyon: Siya'y nahayag nang maging tao, pinatunayang matuwid ng Espiritu, at nakita ng mga anghel. Ipinangaral sa mga Hentil, pinaniwalaan ng lahat, at itinaas sa kalangitan. Maliwanag ang sinasabi ng Espiritu na sa mga huling araw ay iiwan ng ilan ang pananampalataya. Susunod sila sa mga mapanlinlang na espiritu at sa mga katuruan ng mga demonyo. Ang mga katuruang ito'y pinalalaganap ng mga taong sinungaling at may mga manhid na budhi. Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang uri ng pagkain, mga pagkaing nilikha ng Diyos upang kaining may pasasalamat ng mga mananampalataya at nakakaunawa ng katotohanan. Ang lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti at walang dapat ipalagay na masama; sa halip ay dapat tanggaping may pagpapasalamat sapagkat ang mga ito'y nililinis ng salita ng Diyos at ng panalangin. Kung ituturo mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito, ikaw ay magiging mabuting lingkod ni Cristo Jesus. Maipapakita mong pinalakas ka ng mga turo tungkol sa pananampalataya at sa mabuting aral na iyong sinusunod. Huwag mong pag-aksayahan ng panahon ang mga alamat na walang halaga; sa halip, pagsumikapan mong maging maka-Diyos. May pakinabang sa pagpapalakas ng katawan, ngunit ang pagsusumikap na maging maka-Diyos ay mapapakinabangan sa lahat ng paraan, sapagkat ito'y may pangako hindi lamang sa buhay na ito ngayon, kundi maging sa buhay na darating. Totoo ang salitang ito at dapat paniwalaan ng lahat. Dahil dito, nagsisikap tayo at nagpapagal, sapagkat umaasa tayo sa Diyos na buháy at Tagapagligtas ng lahat ng mga tao, lalo na ng mga mananampalataya. Ituro mo't ipatupad ang lahat ng ito. Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman dahil sa iyong kabataan. Sa halip, sikapin mong maging halimbawa sa mga mananampalataya, sa iyong pagsasalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya at malinis na pamumuhay. Habang wala pa ako riyan, iukol mo ang iyong panahon sa pagbabasa ng Kasulatan sa harap ng mga tao, sa pangangaral at sa pagtuturo. Huwag mong pababayaan ang kaloob ng Espiritu Santo na ibinigay sa iyo nang magsalita ang mga propeta at ipatong sa iyo ng mga pinuno ng iglesya ang kanilang kamay. Isagawa mo ang mga ito at pag-ukulan mo ng panahon upang makita ng lahat ang iyong paglago. Pakaingatan mo ang iyong pagkilos at pagtuturo; patuloy mong gawin ang mga bagay na ito upang maligtas ka, pati na ang mga nakikinig sa iyo. Huwag mong pagsasalitaan nang marahas ang lalaking nakatatanda sa iyo, kundi paalalahanan mo siya na parang sarili mong ama. Pakitunguhan mo namang parang kapatid ang mga nakababatang lalaki. Ituring mong parang sariling ina ang matatandang babae, at pakitunguhan mo nang buong kalinisan ang mga kabataang babae na parang iyong mga kapatid. Tulungan mo ang mga biyudang walang ikabubuhay. Subalit kung ang isang biyuda ay may mga anak o apo, sila ang unang dapat kumalinga sa kanya bilang pagtanaw ng utang na loob, sapagkat ito ay nakalulugod sa Diyos. Ang tunay na biyuda ay iyong nag-iisa na sa buhay, at tanging sa Diyos lamang umaasa, kaya't patuloy siyang nananalangin sa araw at gabi. Samantala, ang biyudang nabubuhay sa kalayawan ay maituturing nang patay. Ipatupad mo sa kanila ang utos na ito upang walang maisumbat sa kanila ang sinuman. Ang sinumang hindi kumakalinga sa kanyang mga kamag-anak, lalo na sa mga kabilang sa kanyang pamilya, ay tumatalikod sa pananampalataya, at mas masama pa kaysa sa isang di mananampalataya. Ang biyudang dapat isama sa listahan ng tutulungan ay iyong di bababâ sa animnapung taóng gulang, minsan lamang nag-asawa, kilala sa paggawa ng kabutihan, nagpalaki nang maayos sa kanyang mga anak, magiliw tumanggap sa nakikituloy sa kanyang tahanan, naglingkod nang may kababaang-loob sa mga kapatid sa Panginoon, tumulong sa mga nangangailangan at inialay ang sarili sa paggawa ng mabuti. Huwag mong isasama sa listahan ng mga biyuda ang mga bata pa, sapagkat kapag nag-alab ang kanilang pagnanasa, mapapalayo sila kay Cristo, at mag-aasawang muli. Sa gayon, nagkakasala sila dahil sa hindi pagtupad sa una nilang pangako kay Cristo. Sila'y nagiging tamad at nag-aaksaya ng panahon sa pangangapitbahay; at sila'y nagiging tsismosa, mahilig makialam sa buhay ng may buhay at madadaldal. Kaya't para sa akin, mabuti pang sila'y mag-asawang muli, magkaanak at mag-asikaso ng tahanan, upang ang ating kaaway ay hindi magkaroon ng pagkakataong mapintasan tayo, sapagkat may ilan nang biyudang nailigaw ni Satanas. Kailangang alagaan ng babaing mananampalataya ang mga kamag-anak nilang biyuda upang hindi sila maging pabigat sa iglesya. Sa gayon, ang aalagaan ng iglesya ay iyon lamang mga biyudang walang ibang inaasahan. Ang mga pinunong mahusay mamahala ay karapat-dapat tumanggap ng paggalang at kabayaran, lalo na ang mga masigasig sa pangangaral at pagtuturo ng salita ng Diyos. Sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Huwag mong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik.” Nasusulat din, “Ang manggagawa ay karapat-dapat bayaran.” Huwag mong tatanggapin ang anumang paratang laban sa isang pinuno ng iglesya kung walang patotoo ng dalawa o tatlong saksi. Pagsabihan mo sa harap ng lahat ang sinumang ayaw tumigil sa paggawa ng masama para matakot ang iba. Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus at ng kanyang banal na mga anghel, iniuutos kong sundin mo ang mga bagay na ito nang walang kinikilingan o itinatangi. Huwag mong ipapatong agad ang iyong kamay sa sinuman upang bigyan ito ng kapangyarihang mamahala. Ingatan mong huwag kang masangkot sa kasalanan ng iba; manatili kang walang dungis. Huwag puro tubig lang ang iyong iinumin; uminom ka rin ng kaunting alak na gamot sa madalas na pagsakit ng iyong sikmura. May mga taong lantad na ang kasalanan bago pa humarap sa hukuman. At mayroon din namang ang kasalanan ay huli na kung mahayag. Gayundin naman, may mabubuting gawa na madaling mapansin; ngunit kung hindi man mapansin agad, ito'y hindi maililihim habang panahon. Ang mga alipin ay dapat magpakita ng buong paggalang sa kanilang mga amo upang walang masabi laban sa pangalan ng Diyos at sa ating mga aral. At kung ang kanila namang amo ay kapwa nila Cristiano, hindi sila dapat magkulang ng paggalang sa mga ito sa dahilang sila'y magkapatid sa pananampalataya. Dapat pa nga nilang pagbutihin ang kanilang paglilingkod sapagkat ang pinaglilingkuran nila'y kaisa sa pananampalataya at pag-ibig. Ituro mo't ipatupad ang mga bagay na ito. Kung nagtuturo ang sinuman ng ibang katuruan at di sang-ayon sa mga tunay na salita ng Panginoong Jesu-Cristo at sa mga aral tungkol sa pagiging maka-Diyos, siya ay nagyayabang ngunit walang nalalaman. Sakit na niya ang manuligsa at makipagdebate tungkol sa mga salita, mga bagay na humahantong sa inggitan, alitan, kutyaan, at pagbibintang. Mahilig din siyang makipagdebate sa mga taong baluktot ang pag-iisip at di kumikilala sa katotohanan. Ang akala ng mga ganitong tao ay paraan ng pagpapayaman ang relihiyon. Kung sabagay, malaki nga ang mapapakinabang sa relihiyon kung ang tao'y marunong masiyahan. Wala tayong dalang anuman sa sanlibutan, at wala rin tayong madadalang anuman pag-alis dito. Kaya nga't, dapat na tayong masiyahan kung tayo'y may kinakain at isinusuot. Ang mga nagnanasang yumaman ay nahuhulog sa tukso at nasisilo sa bitag ng masasamang hangaring magtutulak sa kanila sa kamatayan at kapahamakan. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng kasamaan. Dahil sa paghahangad na yumaman, may mga taong nalalayo sa pananampalataya at nasasadlak sa maraming kapighatian. Ngunit ikaw na lingkod ng Diyos, umiwas ka sa mga bagay na ito. Sikapin mong mamuhay nang matuwid, maka-Diyos, may pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis at kahinahunan. Ipaglaban mo nang puspusan ang pananampalataya. Panghawakan mong mabuti ang buhay na walang hanggan, dahil diyan ka tinawag ng Diyos nang ipahayag mo sa harap ng maraming saksi ang iyong pananalig kay Cristo. Iniuutos ko sa iyo, sa pangalan ng Diyos na nagbibigay-buhay sa lahat, at sa harap ni Cristo Jesus na nagbigay ng mabuting patotoo kay Poncio Pilato, sundin mong mabuti nang may katapatan ang mga iniutos sa iyo hanggang sa pagbabalik ng Panginoong Jesu-Cristo. Siya'y darating sa panahong itinakda ng mapagpala at makapangyarihang Diyos, Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon. Siya lamang ang walang kamatayan, at nananatili sa liwanag na di matitigan. Walang taong nakakita, o makakakita sa kanya. Sa kanya ang karangalan at kapangyarihang walang hanggan. Amen. Ituro mo sa mayayaman na huwag silang magmamataas; at huwag silang umasa sa kayamanang lumilipas, kundi sa Diyos na masaganang nagbibigay ng lahat ng ating pangangailangan upang tayo'y masiyahan. Turuan mo silang gumawa ng mabuti at magpakayaman sa mabuting gawa, maging bukás-palad at matulungin sa kapwa. Sa gayon, makakapag-impok sila para sa matatag na hinaharap, at makakamtan nila ang tunay na buhay. Timoteo, pakaingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga usapang walang kabuluhan at ang baluktot na pangangatuwiran. Dahil sa kanilang pagmamarunong, may mga taong nalihis sa pananampalataya. Pagpalain nawa kayo ng Diyos. Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos upang ipangaral ang tungkol sa buhay na ipinangakong makakamtan natin sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo Jesus— Kay Timoteo na minamahal kong anak. Sumaiyo nawa ang pagpapala, habag, at kapayapaang mula sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon. Tuwing inaalala kita sa aking panalangin araw at gabi, nagpapasalamat ako sa Diyos na aking pinaglilingkuran nang tapat gaya ng ginawa ng aking mga ninuno. Sabik na sabik na akong makita ka upang malubos ang aking kagalakan, lalo na kapag naaalala ko ang iyong pagluha. Hindi ko nalilimutan ang tapat mong pananampalataya, na unang tinaglay ng iyong lolang si Loida at ng iyong inang si Eunice. Natitiyak kong nasa iyo ang pananampalatayang ito. Dahil dito, ipinapaalala ko sa iyo na gamitin mong mabuti ang kaloob na ibinigay sa iyo ng Diyos nang ipatong ko sa iyo ang aking mga kamay. Sapagkat ang Espiritung ibinigay sa atin ng Diyos ay hindi espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig at pagpipigil sa sarili. Kaya't huwag kang mahihiyang magpatotoo tungkol sa ating Panginoon, at huwag mo rin akong ikakahiya, na isang bilanggo alang-alang sa kanya. Sa halip, makihati ka sa pagtitiis para sa Magandang Balita. Umasa ka sa kapangyarihan ng Diyos na nagligtas at tumawag sa atin para sa isang banal na gawain. Ginawa niya ito, hindi dahil sa anumang nagawa natin, kundi ayon sa kanyang layunin at kagandahang-loob. Sa simula pa, ito ay ibinigay na niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus, ngunit ito'y nahayag na ngayon, nang dumating si Cristo Jesus na ating Tagapagligtas. Winakasan niya ang kapangyarihan ng kamatayan at inihayag ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Magandang Balita. Dahil sa Magandang Balitang ito, ako'y ginawang mangangaral, apostol at guro, at iyan ang dahilan kaya ako nagdurusa nang ganito. Ngunit hindi ako nahihiya, sapagkat lubos kong kilala ang aking sinasampalatayanan at natitiyak kong maiingatan niya hanggang sa wakas ang ipinagkatiwala ko sa kanya. Gawin mong batayan ang mabubuting aral na itinuro ko sa iyo, at manatili ka sa pananampalataya at sa pag-ibig na tinanggap natin sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus. Sa tulong ng Espiritu Santo na nananatili sa atin, ingatan mo ang lahat ng magagandang bagay na ipinagkatiwala sa iyo. Alam mong ako'y iniwan ng lahat ng kapatid natin sa Asia, pati na nina Figelo at Hermogenes. Pagpalain nawa ng Diyos ang sambahayan ni Onesiforo sapagkat sa maraming pagkakataon, ako'y kanyang inaliw at hindi niya ako ikinahiya kahit ako'y isang bilanggo. Sa katunayan, pagdating niya sa Roma, pilit niya akong hinanap hanggang sa ako'y kanyang matagpuan. Kahabagan nawa siya ng Panginoon sa Araw na iyon. Alam mo naman kung paano niya ako pinaglingkuran sa Efeso. Kaya nga, anak ko, magpakatatag ka sa tulong ni Cristo Jesus. Ang mga narinig mo sa akin sa harap ng maraming saksi ay ituro mo rin sa mga taong mapagkakatiwalaan at may kakayahang magturo naman sa iba. Makibahagi ka sa hirap tulad ng isang mabuting kawal ni Cristo Jesus. Ang isang kawal ay hindi nagiging abala sa mga bagay na walang kaugnayan sa pagiging kawal; sa halip, sinisikap niyang mabigyan ng kasiyahan ang kanyang pinuno. Ang isang manlalaro ay hindi maaaring manalo kung hindi sumusunod sa mga alituntunin ng laro. Ang magsasakang nagtatrabahong mabuti ang siyang dapat munang makinabang sa bunga ng kanyang pinaghirapan. Isipin mong mabuti ang sinasabi ko sa iyo at ipapaunawa sa iyo ng Panginoon ang lahat ng ito. Alalahanin mo si Jesu-Cristo, ang muling binuhay at nagmula sa angkan ni David. Ito ang Magandang Balitang ipinapangaral ko, at siya ring dahilan ng aking pagdurusa at pagkabilanggo na parang isang kriminal. Subalit hindi kailanman maibibilanggo ang salita ng Diyos. Pinapagtiisan ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mga hinirang ng Diyos upang magkaroon sila ng kaligtasan at walang hanggang buhay na mula kay Cristo Jesus. Totoo ang kasabihang ito: “Kung tayo'y namatay na kasama ni Jesu-Cristo, mabubuhay din tayong kasama niya. Kung tayo'y nagtitiis ng hirap sa mundong ito, maghahari din tayong kapiling niya. Kapag siya'y ating ikinahiya, ikakahiya rin niya tayo. Kung tayo man ay hindi tapat, siya'y nananatiling tapat pa rin sapagkat hindi niya maaaring itakwil ang kanyang sarili.” Ipaalala mo sa kanila ang mga bagay na ito at pagbilinan mo sila, sa pangalan ng Diyos, na iwasan nila ang mga debateng walang kabuluhan at walang ibinubungang mabuti; sa halip, ito'y nagpapahamak lamang sa mga nakikinig. Sikapin mong maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, isang manggagawang walang dapat ikahiya at tapat na nagtuturo ng katotohanan. Iwasan mo ang mga usapang malalaswa at walang kabuluhan, sapagkat ang mga iyan ang nagiging dahilan ng pagtalikod ng mga tao sa Diyos. Ang mga katuruan nila'y parang kanser na kumakalat sa katawan. Kabilang sa mga taong ito ay sina Himeneo at Fileto. Lumihis sila sa katotohanan at ginugulo nila ang pananampalataya ng iba sa pamamagitan ng pagtuturo na ang muling pagkabuhay ay naganap na. Ngunit matibay ang pundasyong itinatag ng Diyos, at doo'y nakatatak: “Nakikilala ng Panginoon kung sinu-sino ang tunay na kanya,” at, “Ang bawat nagsasabing siya'y sa Panginoon ay dapat lumayo sa kasamaan.” Sa isang malaking bahay ay may iba't ibang uri ng kasangkapan; may yari sa ginto o pilak, at mayroon namang yari sa kahoy o putik. May ginagamit para sa mga tanging okasyon at mayroon namang pang-araw-araw. Ang sinumang lumalayo sa kasamaan ay katulad ng sisidlang natatangi, malinis at karapat-dapat gamitin ng may-ari para sa lahat ng mabubuting gawain. Kaya nga bilang isang kabataan, iwasan mo ang masasamang pagnanasa, subalit pagsikapan mong maging matuwid, tapat, mapagmahal at mapayapa, kasama ng mga taong may pusong malinis at tumatawag sa Panginoon. Iwasan mo ang mga walang kabuluhang pakikipagdebate sapagkat alam mo namang nauuwi lamang iyan sa mga pag-aaway. Ang lingkod ng Diyos ay hindi dapat makipag-away, sa halip ay dapat siyang maging mabuti sa pakikitungo sa lahat, mahusay magturo at matiyaga. Mahinahon niyang itinutuwid ang mga sumasalungat sa kanya, baka sakaling marapatin ng Diyos na sila'y magsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan upang makilala nila ang katotohanan. Sa gayon, maliliwanagan ang kanilang isip at makakawala sila sa bitag ng diyablo na bumihag at umalipin sa kanila. Dapat mong malaman na sa mga huling araw ay magkakaroon ng mga kahirapan. Ang mga tao'y magiging makasarili, sakim sa salapi, palalo, mapagmataas, mapagsamantala, suwail sa magulang, walang utang na loob at lapastangan sa Diyos. Sila'y magiging malupit, walang habag, mapanirang-puri, marahas, mapusok at namumuhi sa mabuti. Sila'y magiging mga taksil, pabaya, mayabang, mahilig sa kalayawan at walang pag-ibig sa Diyos. Sila'y magkukunwaring maka-Diyos, ngunit hindi naman nakikita ang kapangyarihan nito sa kanilang pamumuhay. Iwasan mo ang ganyang uri ng mga tao. May ilan sa kanila na gagamit ng panlilinlang upang makapasok sa bahay ng mga babaing walang pagpipigil sa sarili. Ang mga babaing ito'y alipin ng kanilang mga kasalanan at ng sari-saring pagnanasa. Lahat na'y gustong matutuhan ng mga babaing ito ngunit kailanma'y di sila nakakaunawa. At tulad nina Janes at Jambres na sumalungat kay Moises, sila ay sumasalungat din sa katotohanan. Wala silang iniisip na kabutihan at hindi tunay ang kanilang pananampalataya. Ngunit hindi magpapatuloy ang kanilang kasamaan, sapagkat makikita ng lahat ang kanilang kahangalan, gaya ng nangyari kina Janes at Jambres. Ngunit sinunod mo ang aking itinuro sa iyo, ang aking ugali at layunin sa buhay. Tinularan mo ang aking pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig at katapatan. Nasaksihan mo ang mga pag-uusig at paghihirap na dinanas ko sa Antioquia, Iconio at Listra. Napakahirap ng dinanas ko! Ngunit sa lahat ng iyon ay iniligtas ako ng Panginoon. Gayundin naman, ang lahat ng nagnanais mamuhay nang matuwid bilang tagasunod ni Cristo Jesus ay daranas ng mga pag-uusig, samantalang ang masasama ay lalo namang magpapakasama, at ang manlilinlang ay patuloy na manlilinlang at sila man ay malilinlang din. Ngunit ikaw, magpatuloy ka sa mga aral na natutuhan mo at matibay mong pinaniwalaan, sapagkat kilala mo ang mga nagturo nito sa iyo. Mula pa sa pagkabata ay alam mong ang Banal na Kasulatan ay nagtuturo ng daan ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at nagagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagtatama sa maling katuruan, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay, upang ang lingkod ng Diyos ay magiging karapat-dapat at handa sa lahat ng mabubuting gawain. Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus na darating bilang Hari at hahatol sa mga buháy at sa mga patay, inaatasan kitang ipangaral mo ang salita ng Diyos; pagsikapan mong gawin iyan napapanahon man o hindi. Himukin mo at pagsabihan ang mga tao, at palakasin ang kanilang loob sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo. Sapagkat darating ang panahong hindi na sila makikinig sa wastong katuruan; sa halip, susundin nila ang kanilang hilig. Maghahanap sila ng mga tagapagturo na walang ituturo kundi ang ibig lamang nilang marinig. Hindi na sila makikinig sa katotohanan, sa halip ay ibabaling ang kanilang pansin sa mga alamat. Ngunit ikaw, maging mahinahon ka sa lahat ng oras, magtiis ka sa panahon ng kahirapan, gampanan mo ang tungkulin ng isang mangangaral ng Magandang Balita at pagbutihin mo ang iyong paglilingkod. Sapagkat dumating na ang panahon ng pagpanaw ko sa buhay na ito. Ako'y mistulang isang handog na ibinubuhos sa dambana. Pinagbuti ko ang aking pakikipaglaban, natapos ko na ang dapat kong takbuhin, at nanatili akong tapat sa pananampalataya. Makakamtan ko na ang koronang nakalaan sa mga matuwid. Sa Araw na iyon, ang Panginoon na siyang makatarungang Hukom, ang siyang magpuputong sa akin ng korona; hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa kanyang pagbabalik. Sikapin mong makapunta dito sa lalong madaling panahon. Iniwan na ako ni Demas dahil sa pagkahumaling niya sa sanlibutan; pumunta siya sa Tesalonica. Si Cresente naman ay nagpunta sa Galacia, at si Tito sa Dalmacia. Si Lucas na lamang ang kasama ko rito. Hanapin mo si Marcos at isama mo rito, sapagkat malaki ang maitutulong niya sa aking mga gawain. Pinapunta ko sa Efeso si Tiquico. Pagpunta mo rito, dalhin mo ang aking damit na iniwan ko sa Troas sa bahay ni Carpo. Dalhin mo rin ang mga aklat ko, lalo na iyong mga gawa sa balat. Napakasama ng ginawa sa akin ni Alejandrong panday. Ang Panginoon ang magpaparusa sa kanya ayon sa kanyang ginawa. Mag-ingat ka sa kanya, sapagkat tutol na tutol siya sa ipinapangaral natin. Sa unang pagharap ko sa hukuman ay walang sumama sa akin; pinabayaan nila akong mag-isa. Patawarin nawa sila ng Diyos. Ngunit sinamahan ako ng Panginoon at binigyan ng lakas upang makapangaral nang lubusan sa lahat ng Hentil, at ako'y naligtas sa tiyak na kamatayan. Ang Panginoon ang magliligtas sa akin sa lahat ng kasamaan at siya rin ang maghahatid sa akin nang ligtas sa kanyang kaharian sa langit. Purihin nawa siya magpakailanman! Amen. Ikumusta mo ako sa mag-asawang Priscila at Aquila, at sa pamilya ni Onesiforo. Nagpaiwan sa Corinto si Erasto; si Trofimo nama'y iniwan ko sa Mileto dahil may sakit siya. Pilitin mong makapunta dito bago magtaglamig. Kinukumusta ka nina Eubulo, Pudente, Lino, Claudia at lahat ng mga kapatid. Nawa'y sumaiyo ang Panginoon, at pagpalain ka ng Diyos. Mula kay Pablo, isang lingkod ng Diyos at apostol ni Jesu-Cristo. Sinugo ako upang patibayin ang pananampalataya ng mga hinirang ng Diyos, at upang palawakin ang kanilang kaalaman tungkol sa katotohanang makakapaglapit sa atin sa Diyos, at bigyan sila ng pag-asa sa buhay na walang hanggan. Bago pa likhain ang sanlibutan, ang buhay na ito'y ipinangako na ng Diyos na kailanma'y hindi sinungaling. Ipinahayag niya ito sa kanyang salita sa takdang panahon, at ako ang napagkatiwalaang mangaral nito, ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas. Sumusulat ako kay Tito, na tunay kong anak sa pananampalataya. Sumaiyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos Ama at mula sa ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus. Iniwan kita sa Creta upang ayusin mo ang mga bagay na dapat pang ayusin at upang pumili ka ng mga matatandang mamamahala sa iglesya sa bawat bayan, ayon sa iniutos ko sa iyo. Pumili ka ng mga taong walang kapintasan; isa lamang ang asawa, at ang mga anak ay mananampalataya at hindi maguguló o matitigas ang ulo. Bilang katiwala ng Diyos, kailangang walang kapintasan ang isang tagapangasiwa ng iglesya. Hindi siya dapat mayabang, hindi magagalitin, hindi lasenggo, hindi mapusok o sakim, bukás ang tahanan sa mga panauhin, maibigin sa kabutihan, mahinahon, makatarungan, may kabanalan, at marunong magpigil sa sarili. Kailangang matatag siyang nananalig sa mga tunay na aral na natutuhan niya, upang ito'y maituro naman niya sa iba at maipakita ang kamalian ng mga sumasalungat dito. Sapagkat maraming tao, lalung-lalo na ang mga galing sa Judaismo, ang sumasalungat laban sa mga aral na ito. Dinadaya nila ang iba sa pamamagitan ng mga katuruang walang kabuluhan. Kailangang pigilin mo sila sa kanilang ginagawang ito sapagkat ginugulo nila ang mga pamilya. Kumita lamang sila ng salapi ay nagtuturo sila ng mga bagay na di dapat ituro. Isa na rin sa mga propetang taga-Creta ang nagsabi, “Ang mga taga-Creta ay talagang sinungaling, asal-hayop, batugan, at matakaw.” Tama ang kanyang sinabi, kaya't mahigpit mo silang pagsabihan upang sila'y mamuhay nang maayos ayon sa kanilang pananampalataya, at huwag nang maniwala pa sa mga alamat ng mga Judio, o sa katuruan ng mga taong tumalikod sa katotohanan. Malinis ang lahat ng bagay sa may malinis na isipan, ngunit sa masasama at di sumasampalataya, walang bagay na malinis sapagkat marumi ang kanilang budhi at isipan. Ang sabi nila'y kilala nila ang Diyos, ngunit hindi naman ito nakikita sa kanilang mga gawa. Sila'y kasuklam-suklam, suwail at hindi makagawa ng anumang mabuti. Ang ituro mo naman ay ang mga bagay na naaayon sa wastong aral. Sabihin mo sa matatandang lalaki na sila'y maging mahinahon, marangal, mapagpigil sa sarili, at maging matatag sa pananampalataya, pag-ibig at pagtitiis. Sabihin mo sa matatandang babae na sila'y mamuhay na may kabanalan, huwag maninirang-puri, huwag maglalasing kundi magturo sila ng mabuti, upang maakay nila ang mga kabataang babae na mahalin ang kanilang mga asawa at mga anak. Ang mga kabataang ito'y kailangan ding turuan na maging mahinahon, malinis ang isipan, masipag sa gawaing bahay, mabait, at masunurin sa kanilang asawa upang walang masabi ang sinuman laban sa salita ng Diyos nang dahil sa kanila. Turuan mo rin ang mga kabataang lalaki na maging mapagpigil sa sarili. Sa lahat ng paraan, maging halimbawa ka ng mabuting ugali at maging tapat ka at kagalang-galang sa iyong pagtuturo. Nararapat na pananalita ang lagi mong gamitin upang hindi mapintasan ninuman ang mga sinasabi mo. Kaya't mapapahiya ang ating mga kalaban sapagkat wala silang masasabing masama laban sa atin. Turuan mo ang mga alipin na maging masunurin at kalugud-lugod sa kanilang mga amo. Hindi nila dapat sagut-sagutin ang mga ito, ni pagnakawan man. Dapat silang maging tapat sa lahat ng pagkakataon, upang maipakita nila sa lahat nilang ginagawa ang kagandahan ng mga katuruan ng Diyos na ating Tagapagligtas. Sapagkat nahayag na ang kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. Ito ang nagtuturo sa atin upang talikuran ang makamundong pamumuhay at damdaming makalaman, at upang makapamuhay tayo ngayon nang may pagpipigil, matuwid at karapat-dapat sa Diyos habang hinihintay natin ang dakilang araw na ating inaasahan. Ito ang pagbabalik ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Inihandog niya ang kanyang sarili upang palayain tayo sa lahat ng kasamaan at linisin tayo upang maging bayan niyang masigasig sa paggawa ng mabuti. Ipahayag mo ang lahat ng ito, at gamitin mo ang iyong kapangyarihan sa pagpapalakas ng loob at pagsaway sa iyong mga tagapakinig. Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman. Paalalahanan mo ang mga kapatid na magpasakop sa mga pinuno at may kapangyarihan; sundin ang mga ito at laging maging handa sa paggawa ng mabuti. Pagbawalan mo silang magsalita ng masama laban kaninuman, at turuan mo silang maging mahinahon at magalang sa lahat ng mga tao. Noong una, tayo'y mga hangal, hindi masunurin, naliligaw at naging alipin ng makamundong damdamin at lahat ng uri ng kalayawan. Naghari sa atin ang masamang isipan at pagkainggit. Tayo'y kinapootan ng iba at sila'y kinapootan din natin. Ngunit nang mahayag sa atin ang kabutihan at pag-ibig ng Diyos na ating Tagapagligtas, iniligtas niya tayo, hindi dahil sa ating mabubuting gawa kundi dahil sa kanyang habag sa atin. Tayo'y ipinanganak na muli sa pamamagitan ng tubig at tayo rin ay binago ng Espiritu Santo. Masaganang ipinagkaloob ng Diyos sa atin ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, upang tayo'y gawing matuwid sa pamamagitan ng kanyang kagandahang-loob, at tayo'y maging tagapagmana ayon sa ipinangakong buhay na walang hanggan. Mapagkakatiwalaan ang aral na ito. Kaya't ang nais ko'y buong tiyaga mong ituro ito sa mga nananalig sa Diyos upang ilaan nila ang kanilang sarili sa paggawa ng mabuti, na siyang karapat-dapat at kapaki-pakinabang sa mga tao. Iwasan mo ang mga walang kabuluhang pagtatalo, ang di matapus-tapos na talaan ng mga ninuno, at ang mga pagtatalo at alitan tungkol sa Kautusan. Ang mga ito ay walang mabuting ibubunga at walang halaga. Pagkatapos mong sawaying minsan o makalawa, iwasan mo na ang taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, dahil alam mong ang ganyang tao ay masama at ang kanyang sariling mga kasalanan ang nagpapakilalang siya'y mali. Papupuntahin ko riyan si Artemas o si Tiquico. Pagdating nila diyan, pilitin mong makapunta dito sa Nicopolis. Dito na ako magpapalipas ng taglamig. Sikapin mong mapadali ang paglalakbay ni Apolos at ng abogadong si Zenas. Tiyakin mong hindi sila nagkukulang sa anumang pangangailangan. Turuan mo ang ating mga kapatid sa pananampalataya na gumawa ng mabuti upang makatulong sila sa mga nangangailangan, at maging kapaki-pakinabang. Kinukumusta ka ng mga kasama ko rito. Ikumusta mo rin kami sa lahat ng kapatid sa pananampalataya. Pagpalain kayong lahat ng Diyos. Mula kay Pablo, isang bilanggo dahil kay Cristo Jesus, at mula kay Timoteo na ating kapatid— Para kay Filemon, ang minamahal naming kamanggagawa, at para sa iglesyang nagtitipon sa iyong bahay; kay Apia na aming kapatid na babae at kay Arquipo na kapwa naming naglilingkod sa Panginoon. Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Lagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos tuwing isinasama kita sa aking pananalangin sapagkat nababalitaan ko ang pag-ibig na ipinapakita mo sa lahat ng hinirang ng Diyos, at gayundin ang iyong pananampalataya sa Panginoong Jesus. Idinadalangin kong ang pagkakabuklod natin sa isang pananampalataya ay magbunga ng lubos na pagkaunawa sa mga kabutihang dulot ng ating pakikipag-isa kay Cristo. Kapatid, ang pag-ibig na iyon ay nagdulot sa akin ng malaking katuwaan at kaaliwan sapagkat dahil sa iyo, sumigla ang kalooban ng mga hinirang ng Diyos. Kaya nga, malakas ang loob kong iutos sana sa iyo ang nararapat gawin bilang kapatid mo kay Cristo, ngunit mas minabuti kong makiusap sa iyo sa pangalan ng pag-ibig. Akong si Pablo, na sugo ni Cristo Jesus at ngayo'y nakabilanggo dahil sa kanya, ay nakikiusap sa iyo para kay Onesimo na aking anak sa pananampalataya. Ako'y naging isang ama sa kanya habang ako'y nakabilanggo. Dati, hindi mo mapakinabangan si Onesimo, ngunit ngayo'y kapaki-pakinabang siya sa ating dalawa. Pinababalik ko na siya sa iyo, kasama ang aking puso. Nais ko sanang manatili na siya sa aking piling upang siya ang maglingkod sa akin habang ako'y nakabilanggo dahil sa Magandang Balita, at sa gayon ay para na ring ikaw ang kasama ko rito. Ngunit ayokong gawin iyon nang wala kang pahintulot upang maging kusa ang iyong pagtulong sa akin, at hindi sapilitan. Marahil, nalayo sa iyo si Onesimo nang kaunting panahon upang sa pagbabalik niya'y makasama mo siya habang panahon, hindi lamang bilang isang alipin kundi bilang isang minamahal na kapatid. Napamahal na siya sa akin, ngunit lalo na sa iyo, hindi lamang bilang isang alipin, kundi bilang isa nang kapatid sa Panginoon! Kaya't kung kinikilala mo akong tunay na kasama, tanggapin mo siya tulad ng pagtanggap mo sa akin. Kung siya ma'y nagkasala o nagkautang sa iyo, sa akin mo na ito singilin. Akong si Pablo ang siyang sumusulat nito: AKO ANG MAGBABAYAD SA IYO. Hindi ko na dapat banggitin pa na utang mo sa akin ang iyong pagkakilala kay Cristo. Ipinapakiusap ko lamang sa iyo, alang-alang sa Panginoon, hayaan mo namang maranasan ko ang pakinabang na ito. Pasayahin mo naman ako bilang kapatid kay Cristo! Lubos akong naniniwala na gagawin mo ang hinihiling ko sa sulat na ito, at maaaring higit pa rito. Ipaghanda mo rin ako ng matutuluyan sapagkat umaasa akong loloobin ng Diyos na ako'y makabalik diyan, gaya ng inyong idinadalangin. Kinukumusta ka ni Epafras na kasama kong nakabilanggo dahil kay Cristo Jesus. Kinukumusta ka rin nina Marcos, Aristarco, Demas, at Lucas, na mga kasama ko sa gawain. Nawa'y sumainyo ang pagpapala ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Noong una, nangusap ang Diyos sa ating mga ninuno sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta. Ngunit nitong mga huling araw, siya'y nagsalita sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Sa pamamagitan ng Anak ay nilikha ng Diyos ang sanlibutan, at siya ang piniling tagapagmana ng lahat ng bagay. Ang Anak ang maningning na sinag ng Diyos. Kung ano ang Diyos ay gayundin ang Anak. Siya ang nag-iingat sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang salita. Pagkatapos niyang linisin tayo sa ating mga kasalanan, siya'y umupo sa kanan ng makapangyarihang Diyos doon sa langit. Ang Anak ay ginawang higit na dakila kaysa mga anghel, tulad ng pangalan na ibinigay sa kanya ng Diyos ay higit na dakila. Sapagkat kailanma'y hindi sinabi ng Diyos sa sinumang anghel, “Ikaw ang aking Anak, mula ngayo'y ako na ang iyong Ama.” Ni hindi rin niya sinabi sa kaninumang anghel, “Ako'y kanyang magiging Ama, at siya'y aking magiging Anak.” At nang isusugo na ng Diyos ang kanyang panganay na Anak sa sanlibutan ay sinabi niya, “Dapat siyang sambahin ng lahat ng anghel ng Diyos.” Tungkol naman sa mga anghel ay sinabi niya, “Ginawa niyang hangin ang kanyang mga anghel, at ningas ng apoy ang kanyang mga lingkod.” Ngunit tungkol sa Anak ay sinabi niya, “Ang iyong trono, O Diyos ay magpakailan pa man, ikaw ay maghaharing may katarungan. Katarunga'y iyong mahal, sa masama'y namumuhi; kaya naman ang iyong Diyos, tanging ikaw ang pinili; higit sa sinumang hari, kagalakang tanging-tangi.” Sinabi pa rin niya, “Panginoon, nang pasimula'y nilikha mo ang sanlibutan, at ang mga kamay mo ang siyang lumikha ng kalangitan. Maliban sa iyo, lahat ay lilipas, at tulad ng damit, lahat ay kukupas, at ililigpit mong gaya ng isang balabal, at tulad ng damit, sila'y papalitan. Ngunit mananatili ka't hindi magbabago, walang katapusan ang mga taon mo.” Kailanma'y hindi sinabi ng Diyos sa sinumang anghel, “Maupo ka sa kanan ko, hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.” Ano ang mga anghel, kung ganoon? Sila'y mga espiritung naglilingkod sa Diyos at mga isinugo upang tumulong sa mga maliligtas. Kaya nga, dapat nating panghawakang mabuti ang mga katotohanang narinig natin upang hindi tayo maligaw. Ang mensaheng ipinahayag ng mga anghel ay napatunayang totoo, at sinumang lumabag o hindi sumunod dito ay tumanggap ng kaukulang parusa. Gayundin naman, paano tayo makakaiwas sa parusa kung hindi natin pahahalagahan ang napakadakilang kaligtasang ito? Ang Panginoon ang unang nagpahayag ng kaligtasang ito, at ang mga nakarinig sa kanya ang nagpatunay sa atin na ito'y totoo. Pinatunayan din ito ng Diyos sa pamamagitan ng mga tanda at ng iba't ibang himala, at sa pamamagitan ng mga kaloob ng Espiritu Santo na ipinamahagi niya ayon sa kanyang sariling kalooban. Hindi sa mga anghel ipinamahala ng Diyos ang sanlibutang kanyang lilikhain—ang sanlibutang aming tinutukoy. Sa halip ay ganito ang sinasabi ayon sa isang bahagi ng kasulatan: “Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan, o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan? Sandaling panahong siya'y ginawa mong mas mababa kaysa mga anghel, pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati, at ipinasakop mo sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay.” Nang ipinasakop ng Diyos ang lahat ng bagay sa kapangyarihan ng tao, walang bagay na di ipinailalim sa kanya. Sa kasalukuyan, hindi pa natin nakikitang napapailalim sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay. Subalit alam nating si Jesus, kahit na sa kaunting panaho'y ginawang mas mababa kaysa mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kaluwalhatian dahil sa kanyang kamatayan. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa atin, niloob niyang si Jesus ay mamatay para sa ating lahat. Sa pamamagitan ng mga pagtitiis, siya'y ginawang ganap ng Diyos at nang sa gayon ay makapagdala siya ng maraming tao patungo sa kaluwalhatian. Ito'y dapat lamang gawin ng Diyos na lumikha at nangangalaga sa lahat ng bagay, sapagkat si Jesus ang tagapanguna ng kanilang kaligtasan. Si Jesus ang nagpapabanal sa mga tao. Ang kanyang Ama at ang Ama ng mga taong ito ay iisa, kaya't hindi niya ikinahihiyang tawagin silang mga kapatid. Sinabi niya sa Diyos, “Mga ginawa mo'y ihahayag ko sa aking mga kababayan, sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.” Sinabi rin niya, “Ako'y mananalig sa Diyos.” At dugtong pa niya, “Narito ako, at ang mga anak na kaloob sa akin ng Diyos.” Dahil sa ang mga anak na tinutukoy niya ay tao, naging tao rin si Jesus at tulad nila'y may laman at may dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay mawasak niya ang kapangyarihan ng diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. At pinalaya niya ang lahat ng tao na habang panaho'y inalipin ng takot sa kamatayan. Hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, sa halip ay mga anak ni Abraham. Kaya't kinailangang matulad siya sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Sa gayon, siya'y naging isang Pinakapunong Pari, mahabagin at tapat na naglilingkod sa Diyos at nag-aalay ng handog para mapatawad ang mga kasalanan ng tao. At ngayo'y matutulungan niya ang mga tinutukso, sapagkat siya man ay nakaranas ng pagtukso at paghihirap. Mga kapatid sa pananampalataya at kasama sa pagkatawag ng Diyos, alalahanin ninyo si Jesus, ang Sugo ng Diyos at ang Pinakapunong Pari ng ating pananampalataya. Tapat siya sa Diyos na pumili sa kanya, tulad ni Moises na naging tapat sa buong sambahayan ng Diyos. Kung ang nagtayo ng bahay ay mas marangal kaysa sa bahay, gayundin naman, lalong marangal si Jesus kaysa kay Moises. Bawat bahay ay may tagapagtayo, ngunit ang Diyos lamang ang nagtayo ng lahat ng bagay. Si Moises ay naging tapat bilang isang lingkod sa buong sambahayan ng Diyos, upang magpatotoo sa mga bagay na ihahayag sa mga darating na panahon. Subalit si Cristo ay tapat bilang Anak na namumuno sa sambahayan ng Diyos. At tayo ang kanyang sambahayan, kaya't matibay ang ating pag-asa at hindi natin ito ikinahihiya. Kaya't tulad ng sinabi ng Espiritu Santo, “Kapag narinig ninyo ngayon ang tinig ng Diyos, iyang inyong puso'y huwag patigasin, tulad noong maghimagsik ang inyong mga ninuno doon sa ilang, nang subukin nila ako. Ako ay tinukso't doon ay sinubok ng inyong magulang, bagama't nakita nila ang mga ginawa ko sa loob ng apatnapung taon. Kaya't napoot ako sa kanila at sinabi ko, ‘Lagi silang lumalayo sa akin, ang mga utos ko'y ayaw nilang sundin.’ Kaya't sa galit ko, ‘Ako ay sumumpang hindi mararating, ang lupang pangakong aking inilaan.’” Mga kapatid, ingatan ninyong huwag maging masama ang sinuman sa inyo at mawalan ng pananampalataya hanggang sa kanyang talikuran ang Diyos na buháy. Sa halip, magtulungan kayo araw-araw, habang ang panahon ay matatawag pang “ngayon” upang walang sinumang madaya sa inyo at maging alipin ng kasalanan. Sapagkat tayong lahat ay kasama ni Cristo sa gawain, kung mananatiling matatag hanggang sa wakas ang ating pananalig na ating ipinakita noong tayo'y unang sumampalataya. Ito nga ang sinasabi sa kasulatan, “Kapag narinig ninyo ngayon ang tinig ng Diyos, iyang inyong puso'y huwag patigasin, tulad noong kayo'y maghimagsik sa Diyos.” Sino ang naghimagsik laban sa Diyos kahit na narinig nila ang kanyang tinig? Hindi ba't ang lahat ng inilabas ni Moises sa Egipto? At kanino nagalit ang Diyos sa loob ng apatnapung taon? Hindi ba't sa mga nagkasala at namatay sa ilang? At sino ang tinutukoy niya nang kanyang sabihin, “Hinding-hindi sila makakapagpahinga sa piling ko”? Hindi ba't ang mga taong ayaw sumunod? Maliwanag kung ganoon kaya't hindi sila nakapasok sa lupang pangako dahil sa kawalan ng pananampalataya sa Diyos. Kaya nga habang nananatili ang pangako ng Diyos, na tayo'y makakapasok at makakapagpahinga sa piling niya, mag-ingat kayo at baka mayroon sa inyong hindi makatanggap ng pangakong ito. Sapagkat tulad nila'y napakinggan din natin ang Magandang Balita, ngunit hindi nila pinakinabangan ang balitang kanilang narinig dahil hindi nila ito tinanggap nang may pananampalataya. Tayong mga sumampalataya ang nakatanggap ng kapahingahang ipinangako. Ito'y ayon sa kanyang sinabi, “Sa galit ko'y aking isinumpa, ‘Hindi sila makakapasok at hindi makakapagpahinga sa aking piling.’” Sinabi niya ito kahit tapos na niya ang kanyang mga gagawin mula nang likhain ang sanlibutan. Sapagkat sinasabi sa isang bahagi ng kasulatan ang tungkol sa ikapitong araw, “At sa ikapitong araw, nagpahinga ang Diyos sa kanyang paglikha.” At muli pang sinabi, “Hindi sila makakapasok at makakapagpahinga sa aking piling.” Ang mga unang nakarinig ng Magandang Balita ay hindi nakapasok at nakapagpahinga dahil hindi sila sumampalataya. Ngunit may mga inaanyayahan pa ring magpahinga sa piling ng Diyos. Kaya't muling nagtakda ang Diyos ng isa pang araw na tinawag niyang “Ngayon”. Pagkalipas ng mahabang panahon, sinabi sa pamamagitan ni David sa kasulatang nabanggit, “Ngayon, kapag narinig ninyo ang tinig ng Diyos, iyang inyong puso'y huwag patigasin.” Kung ang mga tao noon ay nabigyan ni Josue ng lubos na kapahingahan, hindi na sana ipinangako pa ng Diyos ang tungkol sa isa pang araw ng kapahingahan. Kung paanong nagpahinga ang Diyos sa ikapitong araw, mayroon ding kapahingahang nakalaan sa mga taong sumasampalataya sa Diyos, sapagkat ang sinumang makapasok at makapagpahinga sa piling ng Diyos ay magpapahinga rin sa kanyang paggawa, tulad ng Diyos na nagpahinga sa kanyang paglikha. Kaya't sikapin nating makamtan ang kapahingahang iyon at huwag mabigong tulad ng mga hindi sumasampalataya. Ang salita ng Diyos ay buháy at mabisa, mas matalas kaysa alinmang tabak na sa magkabila'y may talim. Ito'y tumatagos maging sa kaibuturan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at buto, at nakakaalam ng mga iniisip at binabalak ng tao. Walang makakapagtago sa Diyos; ang lahat ay hayag at lantad sa kanyang paningin, at sa kanya tayo mananagot. Kaya nga, magpakatatag tayo sa ating pananampalataya, dahil mayroon tayong Dakilang Pinakapunong Pari na pumasok na sa kalangitan, doon mismo sa harap ng Diyos. Siya'y walang iba kundi si Jesus na Anak ng Diyos. Ang ating Pinakapunong Paring ito ay nakakaunawa sa ating mga kahinaan sapagkat tulad natin, tinukso siya sa lahat ng paraan, subalit kailanma'y hindi siya nagkasala. Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at kalinga sa panahon ng ating pangangailangan. Ang bawat pinakapunong pari ay pinili mula sa mga tao at inilagay sa ganoong tungkulin upang maglingkod sa Diyos para sa mga tao. Siya ang nag-aalay ng mga kaloob at mga handog para mapatawad ang mga kasalanan. Nadarama niya ang kahinaan ng mga mangmang at ng mga naliligaw ng landas sapagkat siya'y mahina ring tulad nila. At dahil sa kanyang kahinaan, kinakailangang siya'y mag-alay ng handog, hindi lamang para sa kasalanan ng iba, kundi para sa kanya ring mga kasalanan. Ang karangalan ng pagiging pinakapunong pari ay hindi maaaring makamtan ninuman sa kanyang sariling kagustuhan. Ang Diyos ang pumipili sa kanya, tulad ng pagkapili kay Aaron. Gayundin naman, hindi itinaas ni Cristo ang kanyang sarili upang maging Pinakapunong Pari. Siya'y pinili ng Diyos na nagsabi sa kanya, “Ikaw ang aking Anak, mula ngayo'y ako na ang iyong Ama.” Sinabi rin niya sa ibang bahagi ng kasulatan, “Ikaw ay pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec.” Noong si Jesus ay namumuhay pa rito sa lupa, siya'y nanalangin at lumuluhang nakiusap sa Diyos na makakapagligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya ng Diyos dahil lubusan siyang nagpakumbabá. Kahit na siya'y Anak ng Diyos, natutuhan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis. At nang siya'y maging ganap, siya'y naging walang hanggang Tagapagligtas ng lahat ng mga sumusunod sa kanyang kalooban. Minarapat ng Diyos na siya'y gawing Pinakapunong Pari ayon sa pagkapari ni Melquisedec. Marami pa kaming masasabi tungkol sa bagay na ito, ngunit mahirap ipaliwanag sa inyo sapagkat napakabagal ninyong umunawa. Dapat sana'y mga tagapagturo na kayo, subalit hanggang ngayo'y kailangan pa kayong turuan ng mga panimulang aralin tungkol sa mga Salita ng Diyos. Dapat sana'y kumakain na kayo ng matigas na pagkain ngunit hanggang ngayon, gatas pa lamang ang inyong kaya. Ang sanggol pa ay nabubuhay sa gatas at kulang pa ang kaalaman sa salita ng katuwiran. Ang matigas na pagkain ay para sa may sapat na gulang at marunong nang kumilala ng mabuti't masama. Kaya't iwanan na natin ang mga panimulang aralin tungkol kay Cristo at magpatuloy na tayo sa mga araling para sa mga may sapat na pang-unawa na. Tigilan na natin ang muling paglalagay ng pundasyon tungkol sa pagtalikod sa mga gawang walang kabuluhan at tungkol sa pananampalataya sa Diyos, tungkol sa mga iba't ibang seremonya ng paglilinis at pagpapatong ng mga kamay, at tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay at sa hatol na walang hanggan. Magpatuloy na tayo; at iyan ang gagawin namin kung loloobin ng Diyos. Sapagkat paano pang magsisisi at manunumbalik ang mga tumalikod na sa kanilang pananampalataya? Dati'y naliwanagan na sila, nakalasap ng makalangit na kaloob at naging kabilang sa mga tumanggap ng Espiritu Santo. Nakalasap na rin sila ng kabutihan ng Salita ng Diyos, at nakadama ng kapangyarihan ng Diyos na lubusang mahahayag sa panahong darating. Kapag sila'y tumalikod pagkatapos malasap ang lahat, hindi na sila maaari pang maakay sa pagsisisi at mapanumbalik sapagkat muli nilang ipinapako sa krus at inilalantad sa kahihiyan ang Anak ng Diyos. Sapagkat pinagpapala ng Diyos ang lupang pagkatapos tumanggap ng masaganang ulan ay sinisibulan ng halamang pinapakinabangan ng mga magsasaka. Subalit kung mga damo at halamang matitinik ang tumutubo doon, walang kabuluhan ang lupang iyon at ito ay nanganganib pang sumpain ng Diyos. Ito ay tutupukin sa apoy. Mga minamahal, kahit ganito ang sinasabi namin, natitiyak namin na nasa mas mabuti kayong kalagayan patungkol sa inyong kaligtasan. Makatarungan ang Diyos; hindi niya malilimutan ang inyong ginawa at ang pagmamahal na inyong ipinakita at hanggang ngayo'y ipinapakita sa pamamagitan ng paglilingkod ninyo sa mga hinirang ng Diyos. Ang nais namin ay patuloy na magsumikap hanggang wakas ang bawat isa sa inyo upang makamtan ninyo ang inyong inaasahan. Kaya't huwag kayong maging tamad. Tularan ninyo ang mga taong dahil sa kanilang pagtitiis at pananalig sa Diyos ay tumatanggap ng mga ipinangako niya. Nang mangako ang Diyos kay Abraham, siya'y nanumpa na tutuparin niya ang kanyang pangako. Dahil wala nang nakakahigit pa sa kanya, nanumpa siya sa sarili niyang pangalan. Sinabi niya, “Ipinapangako ko na lubos kitang pagpapalain at ang lahing magmumula sa iyo ay aking pararamihin.” Matiyagang naghintay si Abraham at natanggap naman niya ang ipinangako sa kanya. Nanunumpa ang mga tao sa pangalan ng isang nakakahigit sa kanila, at sa pamamagitan ng panunumpang ito'y pinapagtibay ang usapan. Gayundin naman, pinagtibay ng Diyos ang kanyang pangako sa pamamagitan ng panunumpa, upang ipakita sa kanyang mga pinangakuan na hindi mababago ang kanyang layunin. Hindi nagbabago at hindi man lang nagsisinungaling ang Diyos tungkol sa dalawang bagay na ito: ang kanyang pangako at sumpa. Kaya't tayong nakatagpo ng kanyang kalinga ay panatag ang loob na umaasa sa mga pangako niya. Ang pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay, at ito'y umaabot hanggang sa kabila ng tabing ng templo, hanggang sa Dakong Kabanal-banalan. Si Jesus ay naunang pumasok doon alang-alang sa atin, at naging Pinakapunong Pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec. Si Melquisedec ay hari ng Salem at pari ng Kataas-taasang Diyos. Nang pabalik na si Abraham mula sa pagpuksa sa mga hari, sinalubong siya ni Melquisedec at sinabi sa kanya, “Pagpalain ka ng Panginoon.” Ibinigay ni Abraham kay Melquisedec ang ikasampung bahagi ng lahat ng nasamsam niya mula sa labanan. Ang unang kahulugan ng pangalang Melquisedec ay “Hari ng Katuwiran”. At dahil siya'y hari din ng Salem, ibig sabihin, siya ay “Hari ng Kapayapaan”. Walang nababanggit tungkol sa kanyang ama at ina, o sa angkang pinagmulan niya. Hindi rin natala ang kanyang kapanganakan o kamatayan. Tulad ng Anak ng Diyos, siya'y pari magpakailanman. Tingnan ninyo kung gaano kadakila si Melquisedec! Ipinagkaloob sa kanya ni Abraham na ating ninuno ang ikasampung bahagi ng nasamsam niya mula sa labanan. Ayon sa Kautusan, ang mga pari mula sa angkan ni Levi ay binigyan ng karapatang kunin ang ikasampung bahagi ng pag-aari ng mga Israelita, na kanilang mga kapatid, kahit ang mga ito ay mula rin kay Abraham. Si Melquisedec ay hindi kabilang sa lipi ni Levi, ngunit tumanggap siya ng ikasampung bahagi mula kay Abraham at pinagpala niya ang taong ito na pinangakuan ng Diyos. Nalalaman ng lahat na ang nagbibigay ng pagpapala ay higit na dakila kaysa pinagpapala. Ang mga Levita, na tumatanggap ng ikasampung bahagi ay may kamatayan, ngunit buháy si Melquisedec ayon sa kasulatan. Kaya't masasabi na rin na maging si Levi na tumatanggap ng ikasampung bahagi, ay nagbigay rin ng ikasampung bahagi sa pamamagitan ni Abraham. Sapagkat masasabing si Levi ay nasa katawan pa ng kanyang ninunong si Abraham nang ito'y salubungin ni Melquisedec. Ang Kautusan ay ibinigay ng Diyos sa mga Israelita. Kung ang pagiging-ganap ay nakamtan sa pamamagitan ng mga paring mula sa angkan ni Levi, hindi na sana kinailangan pa ang ibang pari, ayon sa pagkapari ni Melquisedec, na iba sa pagkapari ni Aaron. Kapag binago ang pagkapari, kailangan ding baguhin ang kautusan. Ang ating Panginoon ang paring tinutukoy dito. Kabilang siya sa ibang angkan at wala isa man sa angkan niya ang naglingkod bilang pari. Alam ng lahat na siya'y mula sa angkan ni Juda, at hindi binanggit ni Moises ang angkang ito nang sabihin niya ang tungkol sa mga pari. Ang bagay na ito ay lalo pang naging maliwanag nang magkaroon ng ibang pari ayon sa pagkapari ni Melquisedec. Naging pari siya dahil sa kapangyarihan ng buhay na kailanma'y hindi matatapos, at hindi dahil sa lahing pinagmulan, ayon sa hinihingi ng Kautusan. Sapagkat ito ang sinasabi ng kasulatan tungkol sa kanya, “Ikaw ay pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec.” Kaya nga, inalis ang naunang alituntunin dahil sa ito'y mahina at walang bisa. Sapagkat walang sinumang nagiging ganap sa pamamagitan ng Kautusan ni Moises. Higit na mabuti ang bagong pag-asang tinanggap natin ngayon, sapagkat sa pamamagitan nito'y nakakalapit na tayo sa Diyos. Ang Diyos ay hindi nanumpa nang gawin niyang pari ang iba, ngunit nanumpa siya nang gawin niyang pari si Jesus, ayon sa sinabi niya, “Ang Panginoon ay sumumpa, at hindi siya magbabago ng isip, ‘Ikaw ay pari magpakailanman!’” Dahil sa pagkakaibang ito, si Jesus ang siyang katiyakan ng mas mabuting tipan. Bukod dito, kailangan noon ang maraming pari dahil namamatay sila at hindi nakakapagpatuloy sa panunungkulan. Ngunit si Jesus ay buháy magpakailanman, kaya't walang katapusan ang kanyang pagkapari. Dahil dito, lubusan niyang maililigtas ang lahat ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya'y nabubuhay magpakailanman upang mamagitan para sa kanila. Samakatuwid, si Jesus, kung ganoon, ang Pinakapunong Paring nakakatugon sa ating pangangailangan. Siya'y banal, walang kasalanan ni kapintasan man, inihiwalay sa mga makasalanan at itinaas sa kalangitan. Hindi siya katulad ng ibang mga pinakapunong pari na kailangan pang mag-alay ng mga handog araw-araw, una'y para sa sarili nilang kasalanan, at pagkatapos, para sa kasalanan ng mga tao. Minsan lamang naghandog si Jesus, at ito'y magpakailanman, nang ihandog niya ang kanyang sarili. May mga kahinaan ang mga pinakapunong pari na pinili ayon sa Kautusan ngunit ang Dakilang Pinakapunong Pari na pinili ayon sa panunumpa ay ang Anak na ginawang ganap magpakailanman. At ang ipinangako ng Diyos ay huling dumating kaysa sa Kautusan. Ito ang buod ng aming sinasabi: tayo ay may Pinakapunong Pari na nakaupo sa kanan ng trono ng Kataas-taasan. Siya'y naglilingkod doon sa tunay na Dakong Banal, sa toldang itinayo ng Panginoon, at hindi ng tao. Tungkulin ng bawat pinakapunong pari ang mag-alay ng mga kaloob at mga handog, kaya't kailangang ang ating Pinakapunong Pari ay mayroon ding ihahandog. Sa lupa ay hindi siya maaaring maging pari, sapagkat mayroon nang mga paring naghahandog ng mga kaloob ayon sa Kautusan. Ang paglilingkod ng mga ito ay larawan lamang ng nasa langit, sapagkat nang itatayo na ni Moises ang tolda, mahigpit na ipinagbilin sa kanya ng Diyos ang ganito, “Gagawin mo ang lahat ayon sa huwarang ipinakita ko sa iyo sa bundok.” Ngunit ang paglilingkod na ipinagkaloob kay Jesus ay higit na dakila kaysa ipinagkaloob sa kanila, dahil siya'y tagapamagitan ng isang tipan na higit na mabuti, sapagkat ang tipang ito ay nababatay sa mas maiinam na pangako. Kung walang kakulangan ang unang tipan, hindi na sana nangailangan pa ng pangalawa. Ngunit nakita ng Diyos ang pagkukulang ng kanyang bayan, kaya't sinabi niya, “Darating ang mga araw, sabi ng Panginoon, na gagawa ako ng bagong kasunduan sa Israel at sa Juda. Hindi tulad ng kasunduang ginawa ko sa kanilang mga ninuno, nang ilabas ko sila sa Egipto. Sapagkat hindi sila naging tapat sa pakikipagtipan sa akin, kaya't sila'y aking pinabayaan. Ganito ang gagawin kong kasunduan sa bayan ng Israel pagdating ng panahon, sabi ng Panginoon: Itatanim ko sa kanilang pag-iisip ang aking mga utos; isusulat ko ito sa kanilang puso. Ako ang kanilang magiging Diyos, at sila ang aking magiging bayan. Hindi na kailangang turuan ang isa't isa at sabihing, ‘Kilalanin mo ang Panginoon.’ Sapagkat ako'y makikilala nilang lahat, mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila. Sapagkat patatawarin ko sila sa kanilang mga kasalanan, at kalilimutan ko na ang kanilang mga kasamaan.” Nang sabihin ng Diyos ang tungkol sa bagong kasunduan, pinawalang-bisa na niya ang una. At anumang pinapawalang-bisa at naluluma ay malapit nang mawala. Ang naunang kasunduan ay may mga alituntunin sa pagsamba at may sambahang ginawa ng tao. Itinayo ang isang tolda na may dalawang bahagi: ang una ay tinatawag na Dakong Banal at naroon ang ilawan, ang hapag at ang mga tinapay na handog sa Diyos; ang ikalawa ay nasa kabila ng pangalawang tabing at tinatawag na Dakong Kabanal-banalan. Naroon ang gintong altar na sunugan ng insenso at ang Kaban ng Tipan, na nababalutan ng ginto. Nasa loob ng Kaban ang sisidlang-ginto na may lamang manna, ang tungkod ni Aaron na nagkaroon ng usbong, at ang mga tapyas ng bato na kinasusulatan ng Tipan. At sa ibabaw ng kaban ay may mga kerubin, na nagpapakitang naroon ang Diyos. Nalililiman ng mga pakpak ng mga kerubin ang Luklukan ng Awa, ngunit ito'y hindi na namin ipapaliwanag nang isa-isa ngayon. Ganoon ang pagkakaayos ng loob ng toldang kanilang sinasambahan. Ang mga pari ay pumapasok araw-araw sa unang bahagi upang ganapin ang kanilang tungkulin. Ngunit tanging ang pinakapunong pari ang nakakapasok sa ikalawang bahagi, at ito'y minsan lamang niyang ginagawa sa loob ng isang taon. Siya'y may dalang dugo na inihahandog sa Diyos para sa mga kasalanang nagawa niya at ng mga tao nang hindi nalalaman. Sa ganoong pagkaayos, maliwanag na itinuturo ng Espiritu Santo na ang daang papunta sa Dakong Kabanal-banalan ay hindi pa bukás habang nakatayo pa ang unang bahagi ng tolda. Simbolo lamang ang mga iyon at ang kahulugan nito ay ang kasalukuyang panahon. Ang mga kaloob at mga handog na iniaalay ay hindi nagpapabanal sa mga sumasamba roon. Ang paglilinis nila'y nauukol lamang sa pagkain at inumin at sa iba't ibang uri ng paglilinis, mga alituntuning panlabas na iiral hanggang sa baguhin ng Diyos ang lahat ng bagay. Ngunit dumating na si Cristo, ang Pinakapunong Pari ng mabubuting bagay na narito na. At siya'y naglilingkod doon sa sambahang higit na dakila, walang katulad at hindi ginawa ng tao. Ang sambahang ito ay hindi sa sanlibutang ito. Minsan lamang pumasok si Cristo sa Dakong Kabanal-banalan, at iyo'y sapat na. Hindi dugo ng mga kambing at guya ang kanyang inihandog, kundi ang sarili niyang dugo, para mapatawad tayo sa ating mga kasalanan magpakailanman. Kung ang dugo ng mga kambing at toro, at ang abo ng dumalagang baka ang iwiniwisik sa mga taong itinuturing na marumi upang sila'y luminis ayon sa Kautusan, higit ang nagagawa ng dugo ni Cristo! Sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu, inialay niya sa Diyos ang kanyang sarili bilang handog na walang kapintasan. Ang kanyang dugo ang lumilinis sa ating puso't isipan sa mga gawaing walang kabuluhan upang tayo'y makapaglingkod sa Diyos na buháy. Kaya nga, si Cristo ang tagapamagitan ng bagong kasunduan. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, ipinatawad ang paglabag ng mga tao noong sila'y nasa ilalim pa ng naunang kasunduan. Dahil dito, makakamtan ng mga tinawag ng Diyos ang walang hanggang pagpapala na kanyang ipinangako. Kapag may testamento, kailangang mapatunayang patay na ang gumawa niyon, sapagkat ang testamento ay walang bisa habang buháy pa ang gumawa; magkakabisa lamang iyon kapag siya'y namatay na. Maging ang naunang kasunduan ay hindi pinagtibay kung hindi sa pamamagitan ng dugo ng mga hayop na inihandog. Matapos ipahayag ni Moises sa mga tao ang bawat alituntunin sa Kautusan, kinuha niya ang dugo ng mga baka at ng mga kambing at hinaluan niya iyon ng tubig. Kumuha siya ng pulang lana at sanga ng hisopo, at isinawsaw iyon sa dugong may halong tubig. Winisikan ang aklat ng Kautusan at ang mga tao. Kasabay nito'y kanyang sinabi, “Ito ang dugong nagpapatibay sa tipan na ibinigay ng Diyos at ipinapatupad sa inyo.” Winisikan din niya ng dugo ang tolda at ang mga kagamitan sa pagsamba. Ayon sa Kautusan, halos lahat ng bagay ay nililinis sa pamamagitan ng dugo, at walang kapatawaran ng kasalanan kung hindi sa pamamagitan ng pag-aalay ng dugo. Ang mga bagay sa sambahang iyon ay larawan lamang ng mga nasa langit, at kinakailangang linisin sa pamamagitan ng mga handog. Ngunit higit na mabubuting handog ang kinakailangan sa paglilinis ng mga bagay sa sambahang nasa langit. Sapagkat si Cristo ay hindi pumasok sa isang Dakong Banal na ginawa ng tao at larawan lamang ng tunay. Sa langit mismo siya pumasok at ngayo'y nasa harap na siya ng Diyos at namamagitan para sa atin. Ang pinakapunong pari ng mga Judio ay pumapasok sa Dakong Banal taun-taon na may dalang dugo ng mga hayop. Ngunit si Cristo'y minsan lamang pumasok upang ihandog ang kanyang sarili. Kung hindi gayon, kailangan sanang paulit-ulit na siya'y mamatay mula pa nang likhain ang sanlibutan. Subalit minsan lamang siyang nagpakita, ngayong magtatapos na ang panahon, upang pawiin ang kasalanan sa pamamagitan ng handog na kanyang inialay. Itinakda sa mga tao na sila'y minsang mamamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom. Gayundin naman, si Cristo'y minsang inihandog upang pawiin ang mga kasalanan ng mga tao. Siya'y muling darating, hindi upang muling ihandog dahil sa kasalanan, kundi upang iligtas ang mga naghihintay sa kanya. Ang Kautusan ay anino lamang at hindi lubos na naglalarawan ng mabubuting bagay na darating. Hindi ito nagpapabanal sa mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng mga handog na iniaalay taun-taon. Kung napatawad na nga ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng ganoong mga handog, wala na sana silang dapat alalahanin, at hindi na sila kailangang mag-alay pang muli. Ngunit ang mga alay na ito ang nagpapagunita sa mga tao ng kanilang mga kasalanan taun-taon, sapagkat ang dugo ng mga toro at mga kambing ay hindi makakapawi ng mga kasalanan. Kaya't sinabi ko, ‘Ako'y narito, O Diyos, upang sundin ang iyong kalooban,’ ayon sa sinasabi ng kasulatan tungkol sa akin.” Sinabi muna niya, “Hindi mo ninais o kinalugdan ang mga alay at handog na hayop, mga handog na susunugin, at mga handog dahil sa kasalanan” kahit ito'y inihahandog ayon sa Kautusan. Saka niya idinugtong, “Ako'y narito upang sundin ang iyong kalooban.” Sa ganitong paraan, inalis nga ng Diyos ang unang handog at pinalitan ng handog ni Cristo. At dahil sinunod niya ang kalooban ng Diyos, tayo ay ginawang banal ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ng minsanan at sapat na paghahandog ng kanyang sarili. Bawat pari ay naglilingkod araw-araw at naghahandog ng ganoon ding mga handog, subalit ang mga iyon ay hindi naman nakakapawi ng kasalanan. Ngunit si Cristo ay minsan lamang naghandog para sa mga kasalanan, at pagkatapos ay umupo na sa kanan ng Diyos. Ngayo'y naghihintay siya roon hanggang sa lubusang pasukuin sa kanya ng Diyos ang kanyang mga kaaway. Samakatuwid, sa pamamagitan lamang ng isang paghahandog ay kanyang ginawang ganap magpakailanman ang mga pinaging-banal ng Diyos. Ang Espiritu Santo'y nagpapatotoo rin sa atin tungkol dito. Sinabi niya, “Ganito ang gagawin kong kasunduan sa kanila pagdating ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon: Itatanim ko sa kanilang puso ang aking mga utos, at isusulat ko ang mga iyon sa kanilang mga isip.” Pagkatapos ay sinabi pa niya, “Kalilimutan ko na ang kanilang mga kasalanan at kasamaan.” Sapagkat ipinatawad na ang mga kasalanan, hindi na kailangan pang maghandog dahil sa kasalanan. Kaya nga, mga kapatid, tayo'y malaya nang makakapasok sa Dakong Kabanal-banalan dahil sa dugo ni Jesus. Binuksan niya para sa atin ang isang bago at buháy na daang naglalagos hanggang sa kabila ng tabing, at ang tabing na ito'y ang kanyang katawan. Tayo ay may isang Pinakapunong Pari na namamahala sa sambahayan ng Diyos. Kaya't lumapit tayo sa Diyos nang may pusong tapat at may matibay na pananampalataya sa kanya. Lumapit tayong may malinis na budhi sapagkat nilinis na ang ating mga puso at hinugasan na ng dalisay na tubig ang ating mga katawan. Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag nang mag-alinlangan pa, sapagkat ang nangako sa atin ay maaasahan. Sikapin din nating gisingin ang damdamin ng bawat isa sa pagmamahal sa kapwa at sa paggawa ng mabuti. Huwag nating kaliligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng ginagawa ng ilan. Sa halip, palakasin natin ang loob ng isa't isa, lalo na ngayong nakikita nating malapit na ang araw ng Panginoon. Matapos nating malaman at tanggapin ang katotohanan at magpatuloy pa rin tayo sa pagkakasala, wala nang handog na maiaalay pa para sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan. Ang naghihintay na lamang sa atin ay ang kakila-kilabot na paghuhukom at ang naglalagablab na apoy na tutupok sa mga kaaway ng Diyos! Ang mapatunayang lumabag sa Kautusan ni Moises batay sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi ay walang awang pinapatay. Gaano kabigat, sa akala ninyo, ang parusang nararapat sa taong humamak sa Anak ng Diyos, lumapastangan sa dugong nagpatibay sa tipan at nagpabanal sa kanya, at humamak sa mahabaging Espiritu? Sapagkat kilala natin ang nagsabi, “Akin ang paghihiganti; ako ang magpaparusa.” At siya rin ang nagsabi, “Hahatulan ng Panginoon ang kanyang bayan.” Kakila-kilabot ang mahulog sa kamay ng Diyos na buháy! Alalahanin ninyo ang mga araw na nagdaan, kung paanong kayo'y nagtiis ng matinding hirap matapos na kayo'y maliwanagan, ngunit hindi kayo nagpadaig. Kung minsan, kayo ang iniinsulto at pinapahirapan sa harap ng madla; kung minsan nama'y kayo ang umaalalay sa mga kasamahan ninyo na pinapahirapan. Dinamayan ninyo ang mga nakabilanggo at hindi kayo nalungkot nang kayo'y agawan ng kayamanan, sapagkat alam ninyong higit na mabuti at nananatili ang kayamanang nakalaan sa inyo. Kaya't huwag kayong mawawalan ng pananampalataya sa Diyos, sapagkat dakila ang naghihintay na gantimpala para sa inyo. Kinakailangang kayo'y magtiis upang masunod ninyo ang kalooban ng Diyos at matanggap ninyo ang kanyang ipinangako. Sapagkat, “Kaunting panahon na lamang; hindi na magtatagal, at si Cristo ay darating na. Ang matuwid kong lingkod ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya, ngunit kung siya'y tatalikod, hindi ko siya kalulugdan.” Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod at napapahamak; kundi sa mga sumasampalataya sa Diyos at naliligtas. Ang pananampalataya ay pagtitiwala na mangyayari ang ating mga inaasahan, at katiyakan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita. Kinalugdan ng Diyos ang mga tao noong una dahil sa kanilang pananampalataya sa kanya. Dahil sa pananampalataya, nauunawaan natin na ang sanlibutan ay nilalang sa pamamagitan ng Salita ng Diyos, at ang mga bagay na nakikita ay mula sa mga hindi nakikita. Dahil sa pananampalataya sa Diyos, si Abel ay nag-alay ng mas mabuting handog kaysa sa inihandog ni Cain. Kaya naman, si Abel ay kinilalang matuwid nang tanggapin ng Diyos ang kanyang handog. Kahit patay na siya, nagsasalita pa siya sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya sa Diyos. Dahil sa pananampalataya sa Diyos, si Enoc ay hindi nakaranas ng kamatayan. Hindi na siya nakita sapagkat kinuha siya ng Diyos. Sinasabi sa kasulatan na si Enoc ay naging kalugud-lugod bago siya kinuha ng Diyos. Kung hindi tayo sumasampalataya sa Diyos, hindi natin siya mabibigyang kaluguran, sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang may Diyos na nagbibigay ng gantimpala sa mga nananalig sa kanya. Dahil sa pananampalataya, pinakinggan ni Noe ang babala ng Diyos tungkol sa mga bagay na mangyayari ngunit hindi pa niya nakikita. Gumawa siya ng isang malaking barko upang siya at ang kanyang pamilya ay maligtas. Sa pamamagitan nito'y nahatulan ang sanlibutan, ngunit si Noe ay ibinilang na matuwid dahil sa kanyang pananampalataya sa Diyos. Dahil sa pananampalataya sa Diyos, sumunod si Abraham nang siya'y utusan ng Diyos upang pumunta sa isang lupaing ipinangako sa kanya. Sumunod nga siya, kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta. Dahil din sa kanyang pananampalataya, siya'y nanirahan bilang dayuhan sa lupang ipinangako sa kanya. Mga tolda ang naging tirahan niya, gayundin sina Isaac at Jacob na tumanggap din naman ng pangakong katulad niyon. Sapagkat matapat na hinihintay ni Abraham ang isang lunsod na Diyos mismo ang nagplano at nagtatag. Dahil din sa pananampalataya, si Abraham ay nagkaroon ng kakayahang maging ama, kahit na siya'y matanda na at kahit si Sara ay hindi na maaaring magkaanak pa. Nanalig siyang tutuparin ng Diyos ang kanyang pangako. Kaya't sa isang taong maituturing na halos patay na ay nagmula ang isang lahi na naging sindami ng bituin sa langit at ng buhangin sa dalampasigan. Silang lahat ay namatay na may pananampalataya sa Diyos. Hindi nila nakamtan ang mga ipinangako ng Diyos, ngunit natanaw nila iyon mula sa malayo. Kinilala nilang sila'y mga dayuhan lamang at nangingibang-bayan dito sa lupa. Ipinapakilala ng mga taong nagsasalita ng ganoon, na naghahanap pa sila ng sariling bayan. Kung ang mahal nila ay ang lupaing kanilang pinanggalingan, may pagkakataon pa sana silang makabalik doon. Ngunit ang hinahangad nila'y isang lunsod na higit na mabuti, ang lunsod na nasa langit. Kaya naman hindi ikinahiya ng Diyos na siya'y tawaging Diyos nila, sapagkat sila'y ipinaghanda niya ng isang lunsod. Nang subukin ng Diyos si Abraham, pananampalataya din ang nag-udyok sa kanya na ialay si Isaac bilang handog sa Diyos. Buong puso niyang inihandog ang kaisa-isa niyang anak, gayong ipinangako sa kanya ng Diyos na kay Isaac magmumula ang magiging lahi niya. Naniwala siya na kaya ng Diyos na bumuhay ng patay, kaya't sa patalinhagang pangungusap, naibalik nga sa kanya si Isaac mula sa mga patay. Dahil sa pananampalataya sa Diyos, iginawad ni Isaac kina Jacob at Esau ang pagpapala para sa hinaharap. Dahil sa pananampalataya sa Diyos, iginawad ni Jacob ang pagpapala sa dalawang anak ni Jose bago siya namatay. Humawak siya sa kanyang tungkod at sumamba sa Diyos. Dahil sa pananampalataya sa Diyos, sinabi ni Jose nang siya'y malapit nang mamatay na makakaalis sa Egipto ang mga Israelita, at ipinagbilin sa kanila na dalhin ang kanyang mga buto sa kanilang pag-alis. Dahil sa pananampalataya sa Diyos, ang mga magulang ni Moises ay hindi natakot na sumuway sa utos ng hari; nang makita nilang maganda ang sanggol, itinago nila ito sa loob ng tatlong buwan. Dahil sa pananampalataya sa Diyos, tumanggi si Moises, nang siya'y mayroon nang sapat na gulang, na tawagin siyang anak ng prinsesang anak ng hari. Inibig pa niyang makihati sa kaapihang dinaranas ng bayan ng Diyos kaysa magtamasa ng mga panandaliang aliw ng mundong ito na dulot ng kasalanan. Itinuring niyang higit na mahalaga ang pagtitiis sa hirap dahil sa Mesiyas kaysa ang mga kayamanan ng Egipto; sapagkat nakatuon ang kanyang paningin sa mga gantimpala sa hinaharap. Ang pananampalataya din sa Diyos ang nag-udyok kay Moises na lisanin ang Egipto kahit magalit ang hari. Matatag ang kanyang kalooban sapagkat para niyang nakita ang Diyos. Dahil din sa pananampalataya na iyan, itinatag niya ang Paskwa at iniutos sa mga Israelita na pahiran ng dugo ang pintuan ng kanilang mga bahay upang huwag patayin ng Anghel na Mamumuksa ang kanilang mga panganay. Dahil sa pananampalataya sa Diyos, nakatawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula na parang lumalakad sa tuyong lupa, samantalang nalunod naman ang mga Egipcio nang ang mga ito'y tumawid. Dahil sa pananampalataya ng mga Israelita sa Diyos, gumuho ang pader ng Jerico matapos nilang ligirin ito nang pitong araw. Dahil sa pananampalataya sa Diyos, si Rahab, ang babaing may maruming pamumuhay, ay hindi napahamak na kasama ng mga ayaw pasakop sa Diyos, sapagkat malugod niyang pinatuloy ang mga espiyang Israelita. Magpapatuloy pa ba ako? Kulang ang panahon para maisalaysay ko ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jefte, David, Samuel, at mga propeta. Dahil sa pananampalataya nila sa Diyos, nagwagi sila laban sa mga kaharian, namuhay sila nang matuwid, at nagkamit ng mga ipinangako ng Diyos. Napaamo nila ang mga leon, napatay ang naglalagablab na apoy, at nakaligtas sila sa tiyak na kamatayan. Sila'y mahihina ngunit binigyan ng lakas upang maging magiting sa digmaan, kaya't natalo ang hukbo ng mga dayuhan. Dahil sa pananampalataya sa Diyos, ibinalik sa ilang mga babae ang kanilang mga mahal sa buhay na namatay matapos ang mga ito'y buhaying muli. May mga tumangging sila'y palayain, sapagkat pinili nila ang mamatay sa pahirap upang sila'y muling buhayin at magtamo ng mas mabuting buhay. Mayroon namang hinamak at hinagupit, at mayroon ding ibinilanggong nakakadena. Ang iba naman ay pinagbabato, nilagari sa dalawa, at pinatay sa tabak. Ang iba'y nagdamit ng balat ng tupa at kambing, ang iba'y namulubi, inapi, at pinagmalupitan. Hindi karapat-dapat sa kanila ang daigdig! Nagpagala-gala sila sa mga ilang at kabundukan. Nagtago sila sa mga yungib at lungga sa lupa. At dahil sa kanilang pananampalataya sa Diyos, nag-iwan sila ng isang kasaysayang hindi makakalimutan kailanman. Bagama't sila'y pinarangalan sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi nila natanggap ang ipinangako, sapagkat may mas magandang plano ang Diyos para sa atin, upang sila'y hindi maging ganap malibang kasama tayo. Kaya nga, dahil napapaligiran tayo ng napakaraming saksi, talikuran natin ang kasalanan at ang anumang balakid na pumipigil sa atin. Buong tiyaga tayong tumakbo sa paligsahang ating sinalihan. Ituon natin ang ating paningin kay Jesus na siyang pinagmumulan at kabuuan ng ating pananampalataya. Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya ikinahiya ang mamatay sa krus, at siya ngayo'y nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos. Isip-isipin ninyo kung gaano ang tiniis niyang pag-uusig ng mga makasalanan, upang hindi kayo manlupaypay o panghinaan ng loob. Hindi pa humahantong sa pag-aalay ng dugo ang pakikipaglaban ninyo sa kasalanan. Nalimutan na ba ninyo ang panawagan ng Diyos sa inyo bilang mga anak niya, mga salitang nagpapalakas ng loob? “Anak ko, huwag mong bale-walain ang pagtutuwid ng Panginoon, at huwag mong mamasamain kapag ikaw ay dinidisiplina niya. Sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal niya, at pinapalo ang itinuturing niyang anak.” Tiisin ninyo ang lahat ng hirap bilang pagtutuwid ng isang ama, dahil ito'y nagpapakilalang kayo'y tinatanggap ng Diyos bilang tunay niyang mga anak. Sinong anak ang hindi dinidisiplina ng kanyang ama? Kung ang pagdidisiplina na ginagawa sa lahat ng anak ay hindi gagawin sa inyo, hindi kayo tunay na mga anak kundi kayo'y mga anak sa labas. Hindi ba't dinidisiplina tayo ng ating mga magulang, at dahil diyan ay iginagalang natin sila? Hindi ba't upang tayo'y mabuhay, mas nararapat na tayo'y pasakop sa Diyos na ating Ama sa espiritu? Sa loob ng maikling panahon, dinisiplina tayo ng ating mga magulang para sa ating ikabubuti. Gayundin naman, itinutuwid tayo ng Diyos sa ikabubuti natin upang tayo'y maging banal tulad niya. Habang tayo'y itinutuwid, hindi tayo natutuwa kundi naghihinagpis, ngunit pagkatapos niyon, mararanasan natin ang kapayapaang bunga ng matuwid na pamumuhay. Dahil dito'y itaas ninyo ang inyong mga nanghihinang kamay at patatagin ang mga nangangalog na tuhod. Lumakad kayo sa daang matuwid upang hindi lumala ang mga paang napilay at sa halip ay gumaling. Sikapin ninyong makasundo ang lahat, at magpakabanal sapagkat hindi ninyo makikita ang Panginoon kung hindi kayo mamumuhay nang ganito. Pag-ingatan ninyong huwag tumalikod ang sinuman sa inyo sa pag-ibig ng Diyos. Huwag kayong magtanim ng sama ng loob na dahil dito'y napapasamâ ang iba. Pag-ingatan ninyo na huwag makiapid ang sinuman sa inyo, o pawalang-halaga ang mga bagay na espirituwal, tulad ng ginawa ni Esau. Ipinagpalit niya sa pagkain ang kanyang karapatan bilang panganay. Alam ninyo ang nangyari pagkatapos. Hiningi niya sa kanyang ama na igawad sa kanya ang pagpapalang nauukol sa panganay, ngunit ito'y itinanggi sa kanya sapagkat hindi na niya mababago ang kanyang ginawa, anuman ang gawin niyang pakiusap at pagluha. Hindi kayo lumapit sa isang bundok na nakikita, gaya ng mga Israelita sa bundok ng Sinai. Ito'y may apoy na nagliliyab at nababalutan ng dilim at malakas na hangin. Doon ay may tunog ng trumpeta at tinig na nagsasalita. Nang ang tinig na iyon ay marinig ng mga tao, nakiusap silang tumigil na iyon ng pagsasalita sa kanila, sapagkat hindi nila matagalan ang utos na ito, “Ang sinumang tumapak sa bundok, kahit hayop, ay babatuhin hanggang sa mamatay.” Talagang nakakakilabot ang kanilang natatanaw, kaya't pati si Moises ay nagsabing, “Nanginginig ako sa takot!” Sa halip, ang nilapitan ninyo ay ang Bundok ng Zion at ang lunsod ng Diyos na buháy, ang Jerusalem sa langit, na kinaroroonan ng di mabilang na anghel. Dumalo kayo sa masayang pagtitipon ng mga itinuring na panganay. Ang kanilang mga pangalan ay nakatala sa langit. Lumapit kayo sa Diyos na hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga taong ginawang ganap. Lumapit kayo kay Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan. Ang dugo niyang dumanak ay may pangako ng mas mabubuting bagay kaysa sa isinisigaw ng dugo ni Abel. Kaya't makinig kayong mabuti sa kanya na nagsasalita. Ang tumangging makinig sa nagsalita sa kanila dito sa lupa ay hindi nakaligtas sa parusa! Gaano pa kaya tayo, kung tayo'y tatangging makinig sa nagsasalita mula sa langit! Dahil sa kanyang tinig, nayanig noon ang lupa; ngunit ipinangako niya ngayon, “Minsan ko pang yayanigin, hindi lamang ang lupa, pati na rin ang langit.” Ang mga salitang “Minsan pa” ay maliwanag na nagsasabing aalisin ang mga nilikhang nayayanig, upang manatili ang mga bagay na di-nayayanig. Kaya magpasalamat tayo sa Diyos sapagkat tumanggap tayo ng isang kahariang hindi mayayanig. Sambahin natin ang Diyos sa paraang kalugud-lugod sa kanya, sa paraang may paggalang at pagkatakot, sapagkat tunay nga na ang ating Diyos ay parang apoy na nakakatupok. Patuloy kayong magmahalan bilang magkakapatid kay Cristo. Palaging maging bukás ang inyong pinto sa mga taga-ibang bayan. Lingid sa kanilang kaalaman, may ilang nakapagpatuloy na ng mga anghel. Alalahanin ninyo ang mga nakabilanggo, na parang kayo'y nakabilanggo ring kasama nila. Damayan din ninyo ang mga pinagmamalupitan, na parang kayo'y dumaranas din ng ganoon. Dapat igalang ng lahat ang pagsasama ng mag-asawa at maging tapat kayo sa isa't isa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid at nangangalunya. Huwag kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.” Kaya't buong tapang nating masasabi, “Ang Panginoon ang tumutulong sa akin, hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?” Alalahanin ninyo ang mga dating namumuno sa inyo, ang mga nagpahayag sa inyo ng salita ng Diyos. Isipin ninyo kung paano sila namuhay, at tularan ninyo ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Si Jesu-Cristo ay hindi magbabago kailanman; siya ay kahapon, ngayon, at bukas. Huwag kayong patangay sa mga sari-sari at kakaibang katuruan. Mas mabuti para sa atin ang mapanatag ang ating kalooban sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Diyos kaysa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos tungkol sa pagkain. Ang mga sumusunod sa mga utos na iyan ay wala namang natamong pakinabang. Tayo'y may isang dambana, at ang mga paring naglilingkod sa tabernakulo ay hindi maaaring kumain ng mga inihandog sa dambana na ito. Ang dugo ng mga hayop ay dinadala ng pinakapunong pari sa Dakong Kabanal-banalan upang ialay bilang handog dahil sa kasalanan, ngunit ang katawan ng mga hayop ay sinusunog sa labas ng bayan. Gayundin naman, namatay si Jesus sa labas ng bayan upang linisin niya ang tao sa kanilang kasalanan, sa pamamagitan ng kanyang dugo. Kaya't pumunta tayo sa kanya sa labas ng bayan at magtiis din ng kahirapang kanyang tiniis. Sapagkat hindi rito sa lupa ang tunay na bayan natin, at ang hinahanap natin ay ang bayang darating. Kaya't lagi tayong mag-alay ng papuri bilang handog sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus, papuring nagpapahayag ng ating pagkilala sa kanyang pangalan. At huwag nating kaligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pagtulong sa kapwa, sapagkat iyan ang alay na kinalulugdan ng Diyos. Pasakop kayo at sumunod sa mga namamahala sa inyo. Sila'y may pananagutang mangalaga sa inyo, at mananagot sila sa Diyos ukol diyan. Kung sila'y susundin ninyo, magagalak sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin; kung hindi, sila'y mamimighati, at hindi ito makakabuti sa inyo. Ipanalangin ninyo kami. Nakakatiyak kaming malinis ang aming budhi at hinahangad naming mabuhay nang matuwid sa lahat ng panahon. Higit sa lahat, hinihiling kong ipanalangin ninyo na ako'y makabalik agad sa inyo. Ang Diyos na pinagmumulan ng kapayapaan na siyang muling bumuhay sa ating Panginoong Jesus na naging Dakilang Pastol ng mga tupa dahil sa kanyang dugo ang nagpatibay sa walang hanggang tipan. Nawa'y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng kailangan ninyo upang maisagawa ang kanyang kalooban, at sa pamamagitan ni Jesu-Cristo ay gawin niya sa atin ang nakalulugod sa kanya. Papurihan nawa si Cristo magpakailanman! Amen. Mga kapatid, hinihiling ko na pakinggan ninyong mabuti ang mga sinasabi ko sapagkat maikli lang naman ang sulat na ito. Nais ko ring malaman ninyo na nakalaya na ang ating kapatid na si Timoteo, at kung darating siya agad, isasama ko siya pagpunta ko riyan. Ikumusta ninyo kami sa mga namumuno sa inyo at sa lahat ng kapatid. Kinukumusta kayo ng mga kapatid sa Italia. Nawa'y sumainyong lahat ang pagpapala ng Diyos. Mula kay Santiago, alipin ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo: Ipinapaabot ko ang aking pagbati sa labindalawang liping hinirang ng Diyos na nasa iba't ibang bansa. Mga kapatid, magalak kayo kapag kayo'y dumaranas ng iba't ibang uri ng pagsubok. Dapat ninyong malaman na napatatatag ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng mga pagsubok. At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo'y maging ganap at walang pagkukulang. Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay ng sagana at di nanunumbat. Subalit ang humihingi ay dapat magtiwala sa Diyos at huwag mag-alinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay parang alon sa dagat na itinataboy ng hangin kahit saan. Huwag umasang tatanggap ng anuman mula sa Panginoon ang taong pabagu-bago ang isip at di alam kung ano talaga ang nais niya. Dapat magalak ang mahirap na kapatid kapag siya'y itinataas ng Diyos, at gayundin naman ang mayamang kapatid kapag siya'y ibinababâ, sapagkat ang mayaman ay lilipas na gaya ng bulaklak ng damo. Ang damo ay nalalanta sa matinding sikat ng araw, nalalagas ang kanyang mga bulaklak at kumukupas ang kanyang kagandahan. Gayundin naman, ang mayaman ay mamamatay sa gitna ng kanyang mga kaabalahan. Mapalad ang taong nananatiling tapat sa kabila ng mga pagsubok; sapagkat matapos siyang subukin, tatanggap siya ng gantimpala ng buhay, na ipinangako ng Panginoon sa mga umiibig sa kanya. Huwag sabihin ninuman na tinutukso siya ng Diyos kapag siya'y dumaranas ng pagsubok, sapagkat ang Diyos ay hindi maaaring matukso at hindi rin naman niya tinutukso ang kahit sino. Natutukso ang tao kapag siya'y naaakit at nagpapatangay sa kanyang sariling nasa. Kapag ang nasa ay tumubo at nag-ugat sa kanyang puso, magbubunga ito ng pagkakasala. Kapag ang kasalanan ay lumala, ito'y hahantong sa kamatayan. Huwag kayong padaya, mga kapatid kong minamahal. Ang lahat ng mabuti at ganap na kaloob ay buhat sa Diyos, mula sa Ama na lumikha ng mga tanglaw sa kalangitan. Hindi siya nagbabago, o nagpapakita ng bahagya mang pagbabago. Niloob niyang tayo'y maging anak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging pangunahin higit kaysa lahat ng kanyang mga nilalang. Mga kapatid kong minamahal, unawain ninyo ito: maging alisto kayo sa pakikinig, dahan-dahan sa pagsasalita at huwag agad magagalit. Dahil ang galit ay hindi nakakatulong upang ang tao'y maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Kaya't talikuran na ninyo ang inyong maruruming gawa at alisin ang masasamang asal. Mapagpakumbabang tanggapin ninyong taimtim sa inyong puso ang salita ng Diyos sapagkat ang salitang ito ang makakapagligtas sa inyo. Mamuhay kayo ayon sa salita ng Diyos. Kung ito'y pinapakinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili. Sapagkat ang nakikinig ng salita ngunit hindi sumusunod dito ay katulad ng isang taong tumingin sa salamin, at pagkatapos tingnang mabuti ang sarili ay umalis at kinakalimutan ang kanyang hitsura. Ang taong nagsasaliksik at nagpapatuloy sa pagsunod sa Kautusang ganap na nagpapalaya sa tao ang pagpapalain ng Diyos sa lahat ng kanyang gawain. Siya ang taong gumagawa at hindi nakikinig lamang, at pagkatapos ay nakakalimot. Kung inaakala ninuman na siya'y relihiyoso, ngunit hindi naman siya marunong magpigil ng dila, dinadaya lamang niya ang kanyang sarili. Walang kabuluhan ang kanyang pagiging relihiyoso. Ang pagiging relihiyoso na dalisay at walang dungis sa harap ng ating Diyos at Ama ay ang pagtulong sa mga ulila at sa mga biyuda sa kanilang kahirapan, at pag-iingat sa sarili upang huwag mahawa sa kasamaan ng mundong ito. Mga kapatid ko, bilang mga mananampalataya kay Jesu-Cristo na ating maluwalhating Panginoon, dapat maging pantay-pantay ang tingin ninyo sa lahat ng tao. Kung may pumasok sa inyong kapulungan na isang lalaking may mga singsing na ginto at nakadamit nang magara, at dumating din doon ang isang mahirap na puro sulsi ang damit, at inasikaso ninyong mabuti ang nakadamit nang magara at sinabi sa kanya, “Dito kayo maupo,” at sinabi naman ninyo sa mahirap, “Tumayo ka na lang diyan,” o kaya'y, “Sa sahig ka na lang umupo,” nagtatangi na kayo at humahatol nang mali. Mga kapatid kong minamahal, tingnan ninyo nang mabuti! Hindi ba't ang pinili ng Diyos ay ang mga mahihirap sa mundong ito upang maging mayaman sa pananampalataya at maging kasama sa kahariang ipinangako niya sa mga umiibig sa kanya? Ngunit hinahamak ninyo ang mahihirap. Hindi ba't ang mayayaman ang umaapi sa inyo at sila ang nagsasakdal sa inyo sa hukuman? Hindi ba't sila rin ang lumalait sa marangal na pangalang ibinigay sa inyo ng Diyos? Mabuti ang inyong ginagawa kung tinutupad ninyo ang utos sa kaharian ng Diyos, ayon sa Kasulatan, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” Ngunit kung nagtatangi kayo ng tao, kayo'y nagkakasala, at batay sa Kautusan, dapat kayong parusahan. Ang lumalabag sa isa, kahit tumupad sa iba pang mga utos ay lumalabag pa rin sa buong Kautusan, sapagkat ang Diyos na nagsabing, “Huwag kang mangangalunya,” ay siya ring nagsabing, “Huwag kang papatay.” Kung hindi ka man nangangalunya, ngunit pumapatay ka naman, nilalabag mo na rin ang Kautusan. Kaya't mag-ingat kayo sa inyong pagkilos at pananalita, sapagkat hahatulan kayo ayon sa kautusang nagpapalaya sa inyo. Walang awa na hahatulan ng Diyos ang di-marunong maawa; ngunit ang maawain ay walang dapat ikatakot sa oras ng paghatol. Mga kapatid, ano ang mapapala ng isang tao kung sabihin man niyang siya'y may pananampalataya, ngunit hindi naman niya ito pinapatunayan sa gawa? Maililigtas ba siya ng ganoong uri ng pananampalataya? Halimbawa, may isang kapatid na walang maisuot at walang makain. Kung sasabihin ninyo sa kanya, “Patnubayan ka nawa ng Diyos; magbihis ka't magpakabusog,” ngunit hindi naman ninyo siya binibigyan ng kanyang kailangan, may mabuti bang naidudulot sa kanya iyon? Gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa. Ngunit may nagsasabi, “May pananampalataya ka at may gawa naman ako.” Ipakita mo sa akin ang iyong pananampalatayang walang kasamang gawa, at ipapakita ko naman sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa. Sumasampalataya ka na ang Diyos ay iisa, hindi ba? Mabuti iyan! Ang mga demonyo man ay sumasampalataya rin, at nanginginig pa. Isa kang hangal! Nais mo pa bang patunayan ko sa iyo na walang kabuluhan ang pananampalatayang walang kasamang gawa? Ang ating amang si Abraham ay kinalugdan ng Diyos dahil sa kanyang mga gawa, nang ihandog niya sa dambana ang anak niyang si Isaac, hindi ba? Dito ay makikita mong magkalakip ang kanyang pananampalataya at mga gawa, at naging ganap ang kanyang pananampalataya dahil sa kanyang mga gawa. Natupad ang sinasabi ng kasulatan, “Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos, at dahil dito, siya'y itinuring ng Diyos bilang isang taong matuwid,” at tinawag siyang “kaibigan ng Diyos.” Diyan ninyo makikita na itinuturing na matuwid ang isang tao dahil sa kanyang mga gawa at di dahil sa kanyang pananampalataya lamang. Gayundin si Rahab, ang babaing bayaran; pinatuloy niya ang mga espiya ng Israel at itinuro pa sa kanila ang ibang daan upang sila'y makatakas. Dahil sa ginawa niyang iyon, siya'y tinanggap bilang matuwid. Patay ang katawang walang espiritu; gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kasamang gawa. Mga kapatid, hindi dapat na maging guro ang marami sa inyo, dahil alam ninyo na tayong mga nagtuturo ay hahatulan nang mas mahigpit kaysa iba. Tayong lahat ay nagkakamali sa iba't ibang paraan. Ang sinumang hindi nagkakamali sa kanyang pananalita ay isang taong ganap at marunong magpigil sa sarili. Kapag nilagyan ng pakagat ang bibig ng kabayo, ito'y napapasunod natin at napapabaling saanman natin naisin. Tingnan ninyo ang barko, kahit na ito'y napakalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, ay naibabaling saanman naisin ng piloto sa pamamagitan ng napakaliit na timón. Ganyan din ang dila ng tao; maliit na bahagi lamang ng katawan, ngunit napakalaki ng nagagawang kayabangan. Isipin na lamang ninyo kung paano napapalagablab ng isang maliit na apoy ang isang malawak na kagubatan. Ang dila ay parang apoy, isang daigdig ng kasamaang nagpaparumi sa ating buong pagkatao. Ang apoy nito ay mula sa impiyerno at sinusunog ang lahat sa buhay ng tao. Lahat ng uri ng ibon at hayop na lumalakad, o gumagapang, o nakatira sa tubig ay kayang paamuin, at talagang napapaamo ng tao, ngunit wala pang nakakapagpaamo sa dila. Ito ay kasamaang hindi mapigil, at puno ng kamandag na nakamamatay. Ito ang ginagamit natin sa pagpupuri sa ating Panginoon at Ama, at ito rin ang ginagamit natin sa paglait sa taong nilalang na kalarawan ng Diyos. Sa iisang bibig nanggagaling ang pagpupuri't panlalait. Hindi ito dapat mangyari, mga kapatid. Hindi lumalabas sa iisang bukal ang tubig-tabang at tubig-alat. Mga kapatid, hinding-hindi makakapamunga ng olibo ang puno ng igos, o ng igos ang puno ng ubas, at lalong hindi rin bumubukal ang tubig-tabang sa bukal ng tubig-alat. Sino sa inyo ang marunong at nakakaunawa? Ipakita niya ito sa pamamagitan ng wastong pamumuhay na bunga ng kapakumbabaan at karunungan. Ngunit kung ang naghahari sa inyong puso ay inggit at makasariling hangarin, huwag ninyo iyang ipagmalaki at huwag ninyong ikaila ang katotohanan. Ang ganyang karunungan ay hindi galing sa Diyos, kundi makasanlibutan, makalaman at mula sa diyablo. Sapagkat saanman naghahari ang inggit at makasariling hangarin, naghahari din doon ang kaguluhan at lahat ng uri ng masamang gawa. Ngunit ang may karunungang mula sa Diyos, una sa lahat, ay malinis ang pamumuhay, maibigin sa kapayapaan, mahinahon, mapagbigay, mahabagin, masipag sa paggawa ng mabuti, hindi nagtatangi at hindi nagkukunwari. Namumunga ng katuwiran ang binhi ng kapayapaang itinatanim ng taong maibigin sa kapayapaan. Saan nanggagaling ang inyong mga alitan at pag-aaway? Hindi ba't nagmumula iyan sa masasamang nasa na naglalaban-laban sa inyong kalooban? Mayroon kayong minimithi ngunit hindi ninyo makamtan, kaya't papatay kayo kung kailangan, mapasainyo lamang iyon. May mga bagay na gustung-gusto ninyo ngunit hindi ninyo maangkin, kaya kayo'y nagkakagalit at naglalaban-laban. Hindi ninyo nakakamtan ang inyong minimithi dahil hindi kayo humihingi sa Diyos. At humingi man kayo, wala rin kayong natatanggap dahil hindi tama ang inyong layunin. Humihingi kayo upang mapagbigyan ang inyong kalayawan. Mga taksil! Hindi ba ninyo alam na kapag nakipagkaibigan kayo sa sanlibutan ay kinakaaway naman ninyo ang Diyos? Ang sinumang nagnanais na maging kaibigan ng sanlibutan ay kaaway ng Diyos. Huwag ninyong akalaing walang kabuluhan ang sinasabi sa kasulatan, “Ayaw ng espiritung ibinigay sa atin ng Diyos na siya'y may kaagaw sa ating pag-ibig.” Ngunit higit na malakas ang tulong na ibinigay niya sa atin. Kaya't sinasabi ng kasulatan, “Ang Diyos ay laban sa mga mapagmataas ngunit nalulugod sa mga mapagpakumbabá.” Kaya nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayuan kayo nito. Lumapit kayo sa Diyos at lalapit siya sa inyo. Linisin ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan! Linisin ninyo ang inyong puso, kayong pabagu-bago ang isip. Maghinagpis kayo, umiyak at tumangis! Palitan ninyo ng pagluha ang inyong tawanan, at ng kalungkutan ang inyong kagalakan! Magpakumbabá kayo sa harapan ng Panginoon at itataas niya kayo. Mga kapatid, huwag kayong magsiraan sa isa't isa. Ang namimintas o humahatol sa kanyang kapatid ay namimintas at humahatol sa Kautusan. At kung hinahatulan mo ang Kautusan, hindi ka na tagasunod ng Kautusan kundi isang hukom nito. Ang Diyos lamang ang nagbigay ng Kautusan at siya rin ang hukom. Tanging siya ang may kapangyarihang magligtas at magpahamak. Ngunit ikaw, sino ka upang humatol sa iyong kapwa? Makinig kayo sa akin, kayong nagsasabi, “Ngayon o bukas ay pupunta kami sa ganito at ganoong bayan at isang taon kaming titigil doon, mangangalakal kami at kikita nang malaki.” Ni hindi nga ninyo alam kung ano ang mangyayari sa inyo sa araw ng bukas! Ang buhay ninyo'y parang usok lamang, sandaling lumilitaw at agad nawawala. Sa halip ay sabihin ninyo, “Kung loloobin ng Panginoon at nabubuhay pa kami, gagawin namin ito o iyon.” Ngunit kayo'y nagmamalaki at nagyayabang, at iyan ay masama! Ang nakakaalam na dapat niyang gawin ang mabuti ngunit hindi iyon ginagawa ay nagkakasala. Pakinggan ninyo ito, kayong mayayaman! Tumangis kayo at humagulgol dahil sa mga kapighatiang darating sa inyo. Bulok na ang inyong mga kayamanan at kinain na ng mapanirang insekto ang inyong mga damit. Kinakalawang na ang inyong ginto at pilak, at ang kalawang ding iyon ang magiging katibayan laban sa inyo at parang apoy na tutupok sa inyong laman. Iyan ang kayamanang inimpok ninyo para sa mga huling araw. Sumisigaw laban sa inyo ang mga umani sa inyong bukirin dahil hindi ninyo ibinigay sa kanila ang kanilang sweldo. Umabot na sa langit, sa pandinig ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat, ang mga hinaing ng mga mang-aani na inyong inapi! Nagpasasa kayo sa kalayawan at karangyaan dito sa lupa. Nagpataba kayong parang mga hayop na kakatayin. Hinatulan ninyo at ipinapatay ang taong matuwid na walang kalaban-laban. Mga kapatid, kaya nga't magtiyaga kayo hanggang sa pagdating ng Panginoon. Tingnan ninyo ang magsasaka. Buong tiyaga niyang hinihintay ang kapana-panabik na ani ng kanyang bukirin, at minamatyagan ang pagpatak ng ulan. Dapat din kayong magtiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob sapagkat nalalapit na ang pagdating ng Panginoon. Mga kapatid, huwag na kayong magsisihan sa isa't isa upang hindi kayo hatulan ng Diyos, sapagkat malapit nang dumating ang Hukom. Mga kapatid, tularan ninyo ang mga propetang nagsalita sa pangalan ng Panginoon. Buong tiyaga silang nagtiis ng kahirapan. Sinasabi nating mapalad ang mga nagtitiyaga at nagtitiis. Narinig na ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job at ang ginawa sa kanya ng Panginoon sa bandang huli. Talagang napakabuti at tunay na mahabagin ang Panginoon. Ngunit higit sa lahat, mga kapatid, huwag na kayong manunumpa. Huwag ninyong sabihing, “Saksi ko ang langit,” o “Saksi ko ang lupa,” o “Saksi ko ang ano pa man.” Sapat nang sabihin ninyo, “Oo” kung oo at “Hindi” kung hindi, upang hindi kayo hatulan ng Diyos. Nahihirapan ba ang sinuman sa inyo? Manalangin siya. Nagagalak ba ang sinuman? Umawit siya ng papuri sa Diyos. Kung kayo ay may sakit, ipatawag ninyo ang mga pinuno ng iglesya upang ipanalangin kayo at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon. Pagagalingin ng Diyos ang maysakit dahil sa panalanging may pananampalataya; palalakasin siyang muli ng Panginoon at patatawarin ang kanyang mga kasalanan. Kaya nga, ipagtapat ninyo sa inyong mga kapatid ang inyong mga kasalanan at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid. Si Elias ay isang tao na tulad din natin; nang mataimtim siyang nanalangin na huwag umulan, hindi nga umulan sa loob ng tatlong taon at anim na buwan. At nang siya'y nanalangin para umulan, bumagsak nga ang ulan at namunga ang mga halaman. Mga kapatid, kung may kapatid kayong nalilihis ng landas at may isa namang umakay sa kanya upang magsisi, ito ang tandaan ninyo: sinumang makapagpabalik sa isang makasalanan tungo sa wastong pamumuhay ay nagliligtas ng isang kaluluwa sa kamatayan at nakakapawi ng maraming kasalanan. Mula kay Pedro, isang apostol ni Jesu-Cristo— Sa mga hinirang ng Diyos na nasa iba't ibang lalawigan ng Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia. Kayo'y pinili ng Diyos Ama ayon sa kanyang kaalaman sa mula't mula pa at pinabanal ng Espiritu Santo, upang maging masunurin kay Jesu-Cristo at nilinis sa pamamagitan ng kanyang dugo. Sumagana nawa sa inyo ang pagpapala at kapayapaan. Pasalamatan natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Dahil sa laki ng habag niya sa atin, tayo'y binigyan niya ng isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo mula sa libingan at ito ang nagbigay sa atin ng isang buháy na pag-asa. Makakamit natin ang isang kayamanang di masisira, walang kapintasan, at di kukupas na inihanda ng Diyos sa langit para sa inyo. Sapagkat kayo'y sumasampalataya, iingatan kayo ng kapangyarihan ng Diyos habang hinihintay ninyo ang kaligtasang iyan na ihahayag sa katapusan ng panahon. Ito'y dapat ninyong ikagalak, kahit na maaaring magdanas muna kayo ng iba't ibang pagsubok sa loob ng maikling panahon. Ang gintong nasisira ay pinaparaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayundin naman, ang inyong pananampalataya, na higit na mahalaga kaysa ginto, ay pinaparaan sa pagsubok upang malaman kung ito'y talagang tapat. Sa gayon kayo'y papupurihan, dadakilain at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo. Hindi ninyo siya nakita kailanman ngunit siya'y inibig na ninyo. Hindi pa rin ninyo siya nakikita hanggang ngayon, ngunit sumasampalataya na kayo sa kanya. Dahil dito'y nag-uumapaw na sa inyong puso ang kagalakang di kayang ilarawan sa salita, sapagkat tinatanggap na ninyo ang bunga ng inyong pananampalataya, ang inyong kaligtasan. Tungkol sa kaligtasang ito masusing nagsiyasat at nagsuri ang mga propetang nagpahayag tungkol sa kaloob na nakalaan sa inyo. Sinuri nila kung kailan at paano ito mangyayari. Ang panahong ito ang tinutukoy ng Espiritu ni Cristo na nasa kanila nang unang ipahayag nito ang hirap na titiisin ni Cristo at ang karangalang tatamuhin niya. Nang kanilang ipahayag ang mga katotohanang ito, ipinaunawa sa kanila ng Diyos na ang ginagawa nila ay para sa inyo, at hindi para sa kanila. Ang mga katotohanang ito'y narinig ninyo ngayon sa mga nangangaral ng Magandang Balita ng Diyos sa kapangyarihan ng Espiritu Santo na isinugo sa kanila mula sa langit. Maging ang mga anghel sa langit ay nanabik na maunawaan ang mga katotohanang ito. Kaya nga, ihanda ninyo ang inyong mga isipan para sa dapat ninyong gawin. Maging mahinahon kayo at lubos na umasa sa pagpapalang tatamuhin ninyo kapag nahayag na si Jesu-Cristo. Bilang masunuring mga anak, huwag kayong umayon sa masasamang pagnanasa tulad ng ginagawa ninyo noong kayo'y wala pang tunay na pagkaunawa. Dahil ang Diyos na pumili sa inyo ay banal, dapat din kayong magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa, sapagkat nasusulat, “Magpakabanal kayo, sapagkat ako'y banal.” Walang itinatangi ang Diyos. Pinapahalagahan niya ang bawat isa ayon sa mga ginawa nito. At dahil tinatawag ninyo siyang Ama, igalang ninyo siya habang kayo'y nabubuhay. Alam ninyo kung ano ang ipinantubos sa inyo sa walang kabuluhang pamumuhay na inyong minana sa inyong mga magulang. Ang ipinantubos sa inyo'y hindi ang mga bagay na nasisira o nauubos, tulad ng ginto o pilak, kundi sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Cristo. Siya ang korderong walang batik at kapintasan. Pinili na siya ng Diyos sa gawaing ito bago pa nilikha ang daigdig, at ipinahayag siya alang-alang sa inyo, bago sumapit ang katapusan ng mga panahon. Dahil kay Cristo, sumasampalataya kayo sa Diyos na sa kanya'y muling bumuhay at nagparangal, kaya't ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nasa Diyos. Ngayong malinis na kayo dahil sa inyong pagsunod sa katotohanan, at naghahari na sa inyo ang tapat na pag-iibigan bilang magkakapatid, nawa'y maging maalab at taos sa puso ang inyong pagmamahalan. Sapagkat muli kayong isinilang, hindi sa pamamagitan ng kapanganakang may kamatayan, kundi sa bisa ng buháy at di nagbabagong salita ng Diyos. Ayon sa kasulatan, “Ang lahat ng tao ay tulad ng damo, gaya ng bulaklak nito ang lahat niyang kariktan. Ang damo ay nalalanta, at kumukupas naman ang bulaklak, ngunit ang salita ng Panginoon ay mananatili magpakailanman.” At ang salitang ito ang Magandang Balitang ipinangaral sa inyo. Kaya nga, talikuran na ninyo ang lahat ng kasamaan, ang lahat ng pandaraya, pagkukunwari, pagkainggit at paninirang-puri. Gaya ng sanggol, kayo'y manabik sa dalisay na gatas na espirituwal upang lumago kayo sa pananampalataya hanggang makamtan ninyo ang ganap na kaligtasan, sapagkat sinasabi sa kasulatan, “Naranasan na ninyo ang kabutihan ng Panginoon.” Lumapit kayo sa kanya; siya ang batong buháy na itinakwil ng mga tao ngunit pinili ng Diyos na mahalaga sa kanyang paningin. Tulad ng mga batong buháy, maging bahagi kayo ng isang templong espirituwal. Bilang mga paring itinalaga para sa Diyos, mag-alay kayo sa Diyos ng mga handog na espirituwal na kalugud-lugod sa kanya alang-alang kay Jesu-Cristo, sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Tingnan ninyo, inilalagay ko sa Zion ang isang batong-panulukan, pinili at mahalaga; hindi mapapahiya ang sinumang sumasampalataya sa kanya.” Kaya nga, mahalaga siya sa inyong mga sumasampalataya sa kanya, ngunit sa mga walang pananampalataya, matutupad ang nasa kasulatan, “Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong-pundasyon.” At “Batong katitisuran ng mga tao, batong ikadadapa nila.” Natisod sila sapagkat hindi sila sumunod sa salita ng Diyos; ganoon ang nakatakda para sa kanila. Ngunit kayo ay isang lahing pinili, grupo ng maharlikang pari, isang bansang nakalaan sa Diyos, bayang pag-aari ng Diyos upang magpahayag ng mga kahanga-hangang ginawa niya. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kanyang kahanga-hangang kaliwanagan. Kayo'y hindi bayan ng Diyos noon; ngunit ngayon, kayo'y bayang hinirang niya. Noon, pinagkaitan kayo ng habag, ngunit ngayo'y tinatanggap na ninyo ang kanyang habag. Mga minamahal, nakikiusap ako sa inyo, bilang mga dayuhan at pansamantalang naninirahan lamang sa daigdig na ito, talikuran na ninyo ang masasamang hilig ng katawan na naghihimagsik laban sa inyong kaluluwa. Mamuhay kayo nang maayos sa gitna ng mga Hentil upang kahit na pinaparatangan nila kayo ng masama, kapag nakita nila ang inyong mabubuting gawa ay magpupuri sila sa Diyos sa Araw ng kanyang paghuhukom. Alang-alang sa Panginoon, pasakop kayo sa lahat ng may kapangyarihan sa bayan, sa Emperador, na siyang pinakamataas na kapangyarihan, at sa mga gobernador, na isinugo niya upang magparusa sa mga gumagawa ng masama at magparangal sa mga gumagawa ng mabuti. Nais ng Diyos na sa pamamagitan ng inyong wastong pamumuhay ay mapatigil ninyo ang mga hangal sa kanilang kamangmangan. Mamuhay kayong tulad ng mga taong malaya. Huwag ninyong gawing panakip sa paggawa ng masama ang kalayaang ito, subalit mamuhay kayo bilang mga alipin ng Diyos. Igalang ninyo ang lahat ng tao at mahalin ang mga kapatid kay Cristo. Mamuhay kayo nang may takot sa Diyos at may paggalang sa Emperador. Mga alipin, magpasakop kayo sa mga nagmamay-ari sa inyo at igalang ninyo sila, hindi lamang ang mababait kundi pati ang malulupit, sapagkat kapuri-puri ang nagtitiis ng parusa kahit walang kasalanan, bilang pagsang-ayon sa kalooban ng Diyos. Maipagmamalaki ba ang magtiis ng parusa kung ito ay dahil sa paggawa ng masama? Hindi! Ngunit kung magtiis kayo ng hirap sa kabila ng paggawa ninyo ng mabuti, pagpapalain kayo ng Diyos. Ang pagtitiis ng hirap ay bahagi ng pagkatawag sa inyo ng Diyos, sapagkat nang si Cristo ay magtiis para sa inyo, binigyan niya kayo ng isang halimbawang dapat tularan. Hindi siya gumawa ng anumang kasalanan, o nagsinungaling kailanman. Nang siya'y insultuhin, hindi siya gumanti. Nang siya'y pahirapan, hindi siya nagbanta; sa halip, ipinaubaya niya ang lahat sa Diyos na makatarungan kung humatol. Sa kanyang pagkamatay sa krus, pinasan niya ang bigat ng ating mga kasalanan upang tayo'y mamatay na sa kasalanan at mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Kayo'y pinagaling na sa pamamagitan ng kanyang mga sugat. Sapagkat kayo ay tulad ng mga tupang naliligaw, ngunit ngayon kayo'y nanumbalik na upang sumunod sa Pastol at Tagapangalaga ng inyong mga kaluluwa. Kayo namang mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa. At kung mayroon sa kanila na hindi pa naniniwala sa salita ng Diyos, mahihikayat din silang sumampalataya dahil sa inyong magandang asal, kahit hindi na kayo magpaliwanag pa sa kanila. Sapat nang makita nila ang inyong maka-Diyos at malinis na pamumuhay. Ang inyong ganda ay huwag maging panlabas tulad ng pag-aayos ng buhok at pagsusuot ng mga gintong alahas at mamahaling damit. Sa halip, pagyamanin ninyo ang kagandahang nakatago sa puso, ang kagandahang walang kupas na likha ng maamo at mapayapang diwa, na lubhang mahalaga sa mata ng Diyos. Iyan ang kagandahang ipinakita ng mga banal na babaing umasa sa Diyos noong unang panahon. Sila'y nagpasakop sa kanilang mga asawa. Tulad ni Sara, sinunod niya at tinawag na panginoon ang asawa niyang si Abraham. Kayo rin ay mapapabilang sa kanyang mga anak kung matuwid ang inyong mga gawa, at kung wala kayong anumang kinatatakutan. Kayo namang mga lalaki, unawain ninyo at pakitunguhang mabuti ang inyong asawa, sapagkat sila'y mas mahina, at tulad ninyo'y may karapatan din sila sa buhay na walang hanggan na kaloob ng Diyos. Gawin ninyo ito, nang sa gayon ay walang magiging sagabal sa inyong mga panalangin. Sa aking pagtatapos, magkaisa kayo at magdamayan, magmahalan bilang magkakapatid at maging maunawain at mapagpakumbabá. Huwag ninyong gantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama. Huwag ninyong sumpain ang sumusumpa sa inyo. Sa halip, pagpalain ninyo sila dahil pinili kayo upang tumanggap ng pagpapala ng Diyos. Ayon sa nasusulat, “Ang mga nagnanais ng payapa at saganang pamumuhay, dila nila'y pigilan sa paghabi ng kasamaan. Ang anumang panlilinlang at madayang pananalita sa kanyang mga labi ay di dapat lumabas. Ang masama'y iwasan na, at ang gawin ay ang tama; at ang laging pagsikapan ay buhay na mapayapa. Ang mga mata ng Panginoon, sa matuwid nakatuon, sa kanilang pagdaing, siya'y nakikinig, ngunit sa mga masasama, siya'y tumatalikod!” At sino naman ang gagawa sa inyo ng masama kung wala kayong hinahangad kundi pawang kabutihan? At sakali mang usigin kayo dahil sa paggawa ng mabuti, mapalad pa rin kayo! Huwag ninyong katakutan ang kanilang kinatatakutan at huwag kayong padadala sa kanila. Igalang ninyo si Cristo mula sa inyong puso at sambahin ninyo siya bilang Panginoon. Lagi kayong maging handang magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa pag-asa na nasa inyo. Ngunit maging mahinahon at magalang kayo sa inyong pagpapaliwanag. Bilang mga lingkod ni Cristo, panatilihin ninyong malinis ang inyong budhi upang mapahiya ang mga nanlalait at humahamak sa inyong magandang pag-uugali. Higit na mainam ang kayo'y magdusa dahil sa paggawa ng mabuti, sakali mang ito'y ipahintulot ng Diyos, kaysa magdusa kayo dahil sa paggawa ng masama. Sapagkat si Cristo na walang kasalanan ay namatay nang minsan para sa inyo na mga makasalanan, upang iharap kayo sa Diyos. Siya'y namatay ayon sa laman, at muling binuhay ayon sa espiritu. Sa kalagayang ito, nagpunta siya at nangaral sa mga espiritung nakabilanggo. Sila ang mga espiritung ayaw sumunod nang sila'y matiyagang hinihintay ng Diyos noong panahon ni Noe, samantalang ginagawa nito ang malaking barko. Iilang tao, walo lamang, ang nakaligtas sa baha. Ang tubig ay larawan ng bautismong nagliligtas sa inyo ngayon. Ang bautismo ay hindi paglilinis ng dumi ng katawan kundi isang pangako sa Diyos buhat sa isang malinis na budhi. Inililigtas kayo ng bautismo sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo, na umakyat sa langit at ngayo'y nasa kanan ng Diyos. Naghahari siya roon sa mga anghel at sa mga kapangyarihan sa langit. Dahil si Cristo'y nagtiis ng hirap sa buhay na ito, kayo man ay dapat maging handang magtiis, sapagkat ang nagtitiis ng hirap sa buhay na ito ay tumalikod na sa kasalanan. Kaya nga mula ngayon ay mamuhay na tayong sumusunod sa kalooban ng Diyos, at hindi sa nasa ng laman. Sapat na ang panahong inaksaya ninyo sa paggawa ng mga bagay na kinahuhumalingan ng mga Hentil: kahalayan, masasamang nasa ng laman, paglalasing, walang tigil na pagsasaya, pag-iinuman, at kasuklam-suklam na pagsamba sa mga diyus-diyosan. Nagtataka nga sila kung bakit hindi na kayo sumasama ngayon sa kanilang magulong pamumuhay kaya kayo'y sinisiraan nila, ngunit mananagot sila sa Diyos na hahatol sa mga buháy at sa mga patay. Ipinangaral din ang Magandang Balita sa mga patay upang bagama't sila'y nahusgahan ayon sa laman gaya ng lahat ng nasa laman, mabubuhay sila sa espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Malapit na ang wakas ng lahat ng bagay, kaya't maging mapagtimpi kayo at panatilihing malinaw ang inyong pag-iisip upang kayo'y makapanalangin. Higit sa lahat, magmahalan kayo nang tapat, sapagkat ang pagmamahal ay pumapawi ng maraming kasalanan. Huwag maging mabigat sa inyong loob ang pagtanggap sa inyong mga kapatid sa inyong bahay. Bilang mabubuting katiwala ng iba't ibang kaloob ng Diyos, gamitin ninyo ang kakayahang tinanggap ninyo sa ikakapakinabang ng lahat. Ikaw ba'y tagapangaral? Ipangaral mo ang salita ng Diyos. Ikaw ba'y tagapaglingkod? Gamitin mo sa paglilingkod ang lakas na kaloob sa iyo ng Diyos upang sa lahat ng bagay siya'y papurihan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kapangyarihan at karangalan magpakailanman! Amen. Mga minamahal, huwag na kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na inyong dinaranas na para bang ito'y di pangkaraniwan. Sa halip, magalak kayo sa inyong pakikibahagi sa mga paghihirap ni Cristo upang maging lubos ang inyong kagalakan kapag nahayag na ang kanyang kadakilaan. Mapalad kayo kung kayo'y kinukutya dahil kay Cristo, sapagkat sumasainyo ang Espiritu ng kaluwalhatian, ang Espiritu ng Diyos. Huwag nawang mangyaring maparusahan ang sinuman sa inyo dahil siya'y mamamatay-tao, magnanakaw, salarin o pakialamero. Ngunit kung kayo'y magdusa dahil sa pagiging Cristiano, huwag ninyong ikahiya ito; sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos sapagkat taglay ninyo ang pangalan ni Cristo. Dumating na ang panahon ng paghuhukom, at ito'y magsisimula sa mga bayan ng Diyos. At kung sa atin ito magsisimula, ano kaya ang magiging wakas ng mga hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Diyos? Tulad ng sinasabi ng kasulatan, “Kung ang taong matuwid ay napakahirap maligtas, ang di kumikilala sa Diyos, paano pa maliligtas?” Kaya nga, ang mga naghihirap dahil sa kalooban ng Diyos ay dapat magtiwala sa Lumikha, at magpatuloy sa paggawa ng mabuti. Ang Diyos ay laging tapat sa kanyang pangako. Sa mga matatandang namumuno sa inyo, nananawagan ako bilang isa ring matandang pinuno ng iglesya na tulad ninyo. Saksi ako sa mga paghihirap ni Cristo at makakabahagi ako sa karangalang malapit nang ipahayag. Nakikiusap ako sa inyo, alagaan ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Alagaan ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang. Iyan ang nais ng Diyos. Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa kabayaran kundi dahil gusto ninyong makapaglingkod, hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi maging halimbawa nila kayo. At pagparito ng Pinunong Pastol ay tatanggap kayo ng maluwalhating koronang di kukupas kailanman. At kayo namang mga kabataan, pasakop kayo sa mga pinuno ng iglesya. Magpakumbabá kayong lahat sapagkat nasusulat, “Sinasaway ng Diyos ang mapagmataas, ngunit kinaluluguran niya ang may mababang kalooban.” Kaya nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos at dadakilain niya kayo pagdating ng takdang panahon. Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo. Maging handa kayo at magbantay. Ang diyablo, ang kaaway ninyo ay parang leong umaatungal at aali-aligid na naghahanap ng masisila. Huwag kayong matatakot sa kanya at magpakatatag kayo sa inyong pananampalataya sa Diyos. Tulad ng alam ninyo, hindi lamang kayo ang nagtitiis ng ganitong kahirapan, kundi pati ang inyong mga kapatid sa buong daigdig. Pagkatapos ninyong magtiis sa loob ng maikling panahon, ang Diyos, na siyang pinanggagalingan ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kaganapan, katatagan, at lakas ng loob at isang pundasyong di matitinag. Siya ang tumawag sa inyo upang makibahagi kayo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama ni Cristo. Sa kanya ang kapangyarihan magpakailanman! Amen. Sinulatan ko kayo sa tulong ni Silas, na isa nating kapatid at lubos kong pinagkakatiwalaan. Sa pamamagitan ng maikling sulat na ito ay nais kong palakasin ang inyong loob at magpatotoo tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos. Manatili kayo sa pagpapalang ito. Kinukumusta kayo ng mga kapatid na nasa Babilonia, mga pinili ring katulad ninyo; kinukumusta rin kayo ni Marcos, ang mahal kong anak sa pananampalataya. Buong giliw kayong magbatian bilang magkakapatid kay Cristo. Ang kapayapaan ay sumainyong lahat na mga tagasunod ni Cristo. Mula kay Simon Pedro, isang lingkod at apostol ni Jesu-Cristo— Para sa inyong lahat na tulad nami'y tumanggap ng napakahalagang pananampalatayang mula sa ating makatarungang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sumagana nawa sa inyo ang pagpapala at kapayapaan ng Diyos sa pamamagitan ng inyong pagkakilala sa kanya at sa ating Panginoong Jesus. Tinanggap natin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng bagay na magtuturo sa atin upang tayo'y mamuhay na maka-Diyos. Ito'y dahil sa ating pagkakilala kay Jesus, na siya ring tumawag sa atin upang bahaginan tayo ng kanyang karangalan at kabutihan. Sa paraang ito ay binigyan niya tayo ng mga dakila at napakahalagang pangako upang makaiwas tayo sa nakakasirang pagnanasa sa sanlibutang ito at upang makabahagi tayo sa kanyang likas bilang Diyos. Dahil dito, sikapin ninyong idagdag sa inyong pananampalataya ang kabutihan; sa inyong kabutihan, ang kaalaman; sa inyong kaalaman, ang pagpipigil sa sarili; sa inyong pagpipigil sa sarili, ang katatagan; sa inyong katatagan, ang pagiging maka-Diyos; sa inyong pagiging maka-Diyos, ang pagmamalasakit sa kapatid; at sa inyong pagmamalasakit, ang pag-ibig. Ang mga katangiang iyan ang kailangan ninyong taglayin at pagyamanin, upang ang inyong pagkakilala sa Panginoong Jesu-Cristo ay huwag mawalan ng kabuluhan at kapakinabangan. Ang taong wala ng mga katangiang iyan ay mistulang bulag at nakalimot na pinatawad na siya sa kanyang mga kasalanan. Kaya nga, mga kapatid, lalo kayong maging masigasig upang mapatunayan ninyong kayo ay tinawag at pinili ng Diyos. Kung ganito ang gagawin ninyo, hindi kayo matitisod. Sa ganitong paraan, kayo'y maluwag na papapasukin sa walang hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Kahit na alam na ninyo ang katotohanang inyong tinanggap at matatag na kayo rito, lagi ko pa rin kayong paaalalahanan tungkol dito. Minabuti kong sariwain ito sa inyong isipan habang ako'y nabubuhay pa. Alam kong hindi na ako magtatagal sa buhay na ito, ayon sa ipinahayag sa akin ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Kaya't gagawin ko ang lahat upang maalala pa rin ninyong lagi ang mga bagay na ito kahit ako'y nasa kabilang buhay na. Ang ipinahayag namin sa inyo tungkol sa kapangyarihan at muling pagparito ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay hindi mga alamat na katha lamang ng tao. Nasaksihan namin ang kanyang kadakilaan nang tanggapin niya mula sa Ama ang karangalan at kapurihan. Ito'y nangyari nang marinig namin ang tinig mula sa dakilang kaluwalhatian ng langit na nagsabing, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan.” Narinig namin ito mula sa langit sapagkat kami'y kasama niya nang ito'y maganap sa banal na bundok. Kaya naman lalong tumibay ang aming paniniwala sa ipinahayag ng mga propeta. Makakabuting ito'y pag-ukulan ninyo ng pansin, sapagkat tulad ito sa isang ilaw sa kadiliman na tumatanglaw sa inyo hanggang sa sumikat ang araw ng Panginoon at magliwanag sa inyong mga puso ang bituin sa umaga. Higit sa lahat, unawain ninyong walang makakapagpaliwanag ng alinmang propesiya sa Kasulatan sa sariling kakayahan, sapagkat ang pahayag ng mga propeta ay hindi nagmula sa kalooban lamang ng tao; ito'y galing sa Diyos at ipinahayag ng mga taong nasa ilalim ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Noong una, may mga huwad na propetang lumitaw sa Israel. Gayundin naman, may darating sa gitna ninyo na mga huwad na guro. Lihim silang magtuturo ng mga maling aral na ang dulot ay kapahamakan. Pati ang Panginoong nagligtas sa kanila ay kanilang itatakwil, kaya't di magtatagal at sila'y mapapahamak. At marami silang mahihikayat na sumunod sa kanilang kahalayan; at dahil dito, pati ang daan ng katotohanan ay mapaparatangan ng masama. Sa kanilang kasakiman, lilinlangin nila kayo sa pamamagitan ng kanilang matatamis na pananalita. Matagal nang nakahanda ang hatol sa kanila at ang pupuksa sa kanila ay hindi natutulog. Hindi pinatawad ng Diyos ang mga anghel na nagkasala. Sila'y itinapon sa impiyerno kung saan sila'y iginapos sa kadiliman upang doon hintayin ang Araw ng Paghuhukom. Dahil sa kasalanan ng tao noong unang panahon, ginunaw ng Diyos ang daigdig sa pamamagitan ng baha. Wala siyang iniligtas maliban kay Noe na nangaral tungkol sa matuwid na pamumuhay, at ang pito niyang kasama. Sinumpa at tinupok ng Diyos ang mga lunsod ng Sodoma at Gomorra upang maging babala sa masasama tungkol sa kanilang kasasapitan. Ngunit iniligtas ng Diyos si Lot, isang taong matuwid, na lubhang namighati dahil sa mga kahalayang ginagawa ng masasama noong panahon niya. Naghihirap ang kalooban ng matuwid na taong ito sa kasamaang nasasaksihan niya araw-araw habang siya'y nakatira doon. Alam ng Panginoon kung paano ililigtas mula sa mga pagsubok ang mga tapat sa kanya, at kung paanong paparusahan ang masasama hanggang sa araw na sila'y hatulan, lalo na ang sumusunod sa mahalay na nasa ng katawan at humahamak sa kapangyarihan ng Diyos. Pangahas at mapagmataas ang mga huwad na gurong binabanggit ko. Wala silang pakundangan sa mga tagalangit, at sa halip ay nilalapastangan pa nila ang mga ito. Samantalang ang mga anghel, kaysa mga huwad na guro, na higit na malakas at makapangyarihan ay hindi gumamit ng panlalait sa kanilang paghaharap sa Panginoon ng sakdal laban sa mga ito. Ang mga taong ito'y parang mga hayop na walang isip at ipinanganak upang hulihin at patayin. Kinakalaban nila ang mga bagay na hindi nila nauunawaan, kaya't papatayin din sila tulad ng maiilap na hayop. Pahihirapan sila gaya ng pagpapahirap nila sa iba. Ang kaligayahan nila'y ang hayagang magpasasa sa nasa ng laman. Dumadalo pa naman sila sa inyong salu-salo, ngunit kahiya-hiya at kasiraang-puri ang kanilang ginagawa; ikinatutuwa nilang kayo'y kanilang nalilinlang. Wala silang hinahanap kundi mga babaing mapag-aaliwan nila; wala silang sawa sa paggawa ng kasalanan. Itinutulak pa nila sa pagkakasala ang mahihina. Sila'y mga sakim at sila'y isinumpa! Lumihis sila sa matuwid na landas at naligaw. Tinularan nila si Balaam, anak ni Beor na nagpahalaga sa bayad sa paggawa ng masama. Dahil dito, siya'y sinumbatan ng kanyang asno na nagsalitang parang tao upang siya'y sawayin sa kanyang kabaliwan. Ang katulad ng mga huwad na gurong ito ay mga batis na walang tubig, at ulap na itinataboy ng malakas na hangin. Inilaan na ng Diyos ang kadiliman para sa kanila. Mayayabang sila kung magsalita, ngunit wala namang kabuluhan ang sinasabi. Ginagamit nila ang nasa ng laman upang maibalik sa kahalayan ang mga nagsisimula pa lamang lumayo sa mga taong namumuhay ng may kalikuan. Ipinapangako nila ang kalayaan sa nahihikayat nila, subalit sila mismo ay alipin ng kasamaan, sapagkat ang tao ay alipin ng anumang hindi niya kayang mapanagumpayan. Nakaiwas na sa kasamaan ng daigdig ang mga taong kumilala kay Jesu-Cristo na Panginoon at Tagapagligtas, ngunit kung muli silang maakit sa dating masamang gawain at tuluyang mahulog dito, ang magiging kalagayan nila ay masahol pa sa dati. Mabuti pang hindi na nila natutuhan ang daang matuwid, kaysa matapos matutuhan ang banal na Kautusang itinuro sa kanila ay tumalikod sila dito. Angkop na angkop sa nangyari sa kanila ang mga kasabihang: “Ugali ng aso, matapos sumuka ay muling kinakain ang nailuwa na,” at, “Ito namang baboy, paliguan mo man, pilit na babalik sa dating lubluban.” Mga minamahal, ito ang ikalawang sulat ko sa inyo. Sa dalawang sulat na ito ay sinikap kong gisingin ang malinis ninyong isipan sa pamamagitan ng pagpapaalala ng ilang mga bagay. Alalahanin ninyo ang mga sinabi noon ng mga banal na propeta at ang utos na ibinigay sa inyo ng Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga apostol na isinugo sa inyo. Una sa lahat, dapat ninyong malaman na sa mga huling araw ay pagtatawanan kayo ng mga taong namumuhay ayon sa nasa ng laman. Sasabihin nila, “Si Cristo'y nangakong darating, hindi ba? Nasaan na siya? Namatay na ang ating mga ninuno ngunit wala pa ring pagbabago buhat nang likhain ang mundong ito.” Walang halaga sa kanila ang katotohanang ang langit at lupa ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang salita. Nilikha ang lupa buhat sa tubig at sa pamamagitan ng tubig. Sa pamamagitan din ng tubig, ginunaw ang daigdig nang panahong iyon. Sa pamamagitan din ng salitang iyon ay nananatili ang mga langit at ang lupa upang tupukin sa apoy pagdating ng Araw ng Paghuhukom at pagpaparusa sa masasama. Mga minamahal, huwag ninyong kalilimutan na sa Panginoon, ang isang araw ay tulad ng sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay tulad ng isang araw lamang. Ang Panginoon ay hindi nagpapabaya sa kanyang pangako gaya ng inaakala ng ilan. Hindi pa niya tinutupad ang pangakong iyon alang-alang sa inyo. Binibigyan pa niya ng pagkakataon ang lahat upang makapagsisi at tumalikod sa kasalanan sapagkat hindi niya nais na may mapahamak. Ngunit ang araw ng Panginoon ay darating tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, ang kalangitan ay biglang mawawala kasabay ng isang malakas na ugong. Matutupok ang araw, buwan at mga bituin. Ang mundo at ang lahat ng mga bagay na naririto ay mawawala. At dahil ganito ang magiging wakas ng lahat ng bagay, mamuhay kayo nang may kabanalan at sikapin ninyong maging maka-Diyos habang hinihintay ninyo ang Araw ng Diyos. Magsikap kayong mabuti upang madaling dumating ang araw na ang kalangitan ay matutupok at ang mga bagay na naroroon ay matutunaw sa matinding init. Naghihintay tayo ng bagong langit at ng bagong lupa na paghaharian ng katuwiran, sapagkat ganoon ang kanyang pangako. Kaya nga, mga minamahal, habang naghihintay kayo, sikapin ninyong mamuhay nang mapayapa, walang dungis at walang kapintasan. Isipin ninyong kaya nagtitimpi ang Panginoon ay upang bigyan kayo ng pagkakataong maligtas. Iyan ang isinulat sa inyo ng kapatid nating si Pablo, taglay ang karunungang kaloob sa kanya ng Diyos. Sa lahat ng sulat niya tungkol sa paksang ito, ganito ang lagi niyang paalala. Kaya lang, ang ilang bahagi sa kanyang mga sulat ay mahirap unawain, at binibigyan ng maling kahulugan ng mga mangmang at maguguló ang pag-iisip. Ganyan din ang kanilang ginagawa sa ibang mga Kasulatan, kaya nga't ipinapahamak nila ang kanilang sarili. Ngayong ito'y alam na ninyo, mga kapatid, dapat kayong mag-ingat upang huwag kayong mailigaw ng mga taong walang sinusunod na batas. Sa gayon, hindi kayo matitinag sa inyong mabuting kalagayan. Magpatuloy kayong lumago sa kagandahang-loob at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sa kanya ang kaluwalhatian, ngayon at magpakailanman! Amen. Sumusulat kami sa inyo tungkol sa kanya na sa simula pa'y siya na, ang Salitang nagbibigay-buhay. Siya ay aming narinig at nakita, napagmasdan at nahawakan. Nahayag ang buhay na ito, nakita namin siya, at pinapatotohanan namin at ipinapangaral sa inyo ang buhay na walang hanggan na nasa Ama at nahayag sa amin. Ipinapahayag nga namin sa inyo ang aming nakita't narinig upang makasama kayo sa aming pakikiisa sa Ama at sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Isinusulat namin ito upang malubos ang ating kagalakan. Ito ang aming narinig sa kanyang Anak at ipinapahayag naman namin sa inyo: ang Diyos ay ilaw at walang anumang kadiliman sa kanya. Kung sinasabi nating tayo'y may pakikiisa sa kanya ngunit namumuhay naman tayo sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi namumuhay ayon sa katotohanan. Ngunit kung namumuhay tayo ayon sa liwanag, gaya ng pananatili niya sa liwanag, tayo'y nagkakaisa at ang lahat ng ating kasalanan ay nililinis ng dugo ni Jesus na kanyang Anak. Kung sinasabi nating tayo'y walang kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at wala sa atin ang katotohanan. Subalit kung ipinapahayag natin sa Diyos ang ating mga kasalanan, maaasahan nating patatawarin tayo ng Diyos sa mga ito, at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan, sapagkat siya'y tapat at matuwid. Kung sinasabi nating hindi tayo nagkakasala, ginagawa nating sinungaling ang Diyos, at wala sa atin ang kanyang salita. Mga anak, isinusulat ko ito sa inyo upang huwag kayong magkasala. Ngunit kung magkasala ang sinuman, may Tagapagtanggol tayo sa Ama, si Jesu-Cristo, na isang matuwid. Si Cristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan, hindi lamang ang ating mga kasalanan, kundi maging ang kasalanan ng lahat ng tao. Nakakatiyak tayong nakikilala natin ang Diyos kung sinusunod natin ang kanyang mga utos. Ang nagsasabing, “Nakikilala ko siya,” ngunit hindi naman sumusunod sa kanyang mga utos ay sinungaling, at wala sa kanya ang katotohanan. Ngunit ang tumutupad sa salita ng Diyos ay umiibig nang wagas sa Diyos. Sa ganito, nalalaman natin na tayo'y talagang nasa kanya. Sinumang nagsasabing nananatili siya sa Diyos ay dapat mamuhay tulad ng pamumuhay ni Jesu-Cristo. Mga minamahal, hindi isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo, kundi ang dating utos na nasa inyo na sa simula pa. Ito'y ang mensaheng narinig na ninyo. Ngunit, maituturing na isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo; sapagkat napapawi na ang kadiliman at lumiliwanag na ang tunay na ilaw. Ang katotohanan nito'y nasaksihan sa buhay ni Cristo at nakikita rin naman sa atin. Ang nagsasabing siya'y nasa liwanag ngunit napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa. Ang umiibig sa kanyang kapatid ay nananatili sa liwanag, at hindi siya magiging sanhi ng pagkakasala ng iba. Ngunit ang napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa. Lumalakad siya sa kadiliman at hindi niya nalalaman ang kanyang pupuntahan, sapagkat binulag siya ng kadiliman. Sumusulat ako sa inyo, mga anak, sapagkat pinatawad na ang inyong mga kasalanan dahil sa kanyang pangalan. Sumusulat ako sa inyo, mga ama, sapagkat nakikilala ninyo siya na sa simula pa'y siya na. Sumusulat ako sa inyo, mga kabataan, sapagkat napagtagumpayan na ninyo ang Masama. Sumusulat ako sa inyo, mga anak, sapagkat nakikilala ninyo ang Ama. Sumusulat ako sa inyo, mga ama, sapagkat nakikilala ninyo siya na sa simula pa'y siya na. Sumusulat ako sa inyo, mga kabataan, sapagkat malalakas kayo; nananatili sa inyo ang salita ng Diyos, at tinalo na ninyo ang Masama. Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay na nasa sanlibutan. Ang umiibig sa sanlibutan ay hindi umiibig sa Ama. Ang lahat ng nasa sanlibutan, ang masasamang nasa ng laman, ang nasa ng mga mata, at ang pagmamalaki sa mundong ito ay hindi nagmumula sa Ama kundi sa sanlibutan. Mawawala ang sanlibutan at ang lahat ng kinahuhumalingan nito, ngunit ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos ay mabubuhay magpakailanman. Mga anak, ito na ang huling panahon! Tulad ng inyong narinig, darating ang anti-Cristo. Ngayon nga'y marami nang lumilitaw na mga anti-Cristo, kaya't alam nating malapit na ang wakas. Kahit na sila'y mga dati nating kasamahan, ang mga taong iyon ay hindi natin tunay na kasama. Sapagkat kung sila'y tunay na atin, nanatili sana silang kasama natin. Ngunit umalis sila, kaya't maliwanag na silang lahat ay hindi tunay na atin. Ngunit ipinagkaloob na sa inyo ang Espiritu Santo, at dahil dito, alam na ninyo ang katotohanan. Sumusulat ako sa inyo, hindi dahil sa hindi ninyo alam ang katotohanan, kundi dahil alam na ninyo ito, at alam din ninyong walang kasinungalingang nagmumula sa katotohanan. Sino nga ba ang sinungaling? Hindi ba't siya na nagsasabing si Jesus ay hindi ang Cristo? Ang sinumang nagsasabi nito ay ang anti-Cristo; hindi nila pinaniniwalaan ang Ama at ang Anak. Ang di kumikilala sa Anak ay di rin kumikilala sa Ama. Kapag kinilala ninuman ang Anak, kinikilala rin niya ang Ama. Pakaingatan ninyo sa inyong puso ang narinig ninyo sa simula pa. Kung gagawin ninyo ito, mananatili kayo sa Anak at sa Ama. At ito naman ang ipinangako sa atin ni Cristo, ang buhay na walang hanggan. Isinusulat ko sa inyo ito upang bigyan kayo ng babala laban sa mga taong nagnanais na iligaw kayo. Gayunpaman, ang Espiritu'y ipinagkaloob na ni Cristo sa inyo. At habang ang Espiritu'y nananatili sa inyo, hindi ninyo kakailanganing turuan pa kayo ng iba. Ang Espiritu ang magtuturo sa inyo tungkol sa lahat ng bagay. Lahat ng ituturo niya ay totoo, at ito'y walang bahid ng kasinungalingan. At tulad ng itinuro ng Espiritu, manatili kayo kay Cristo. Kaya nga, mga anak, manatili kayo sa kanya upang maging panatag ang ating loob sa muling pagparito niya, at nang hindi tayo mapahiya sa kanya sa araw na iyon. Kung alam ninyong si Cristo'y matuwid, dapat din ninyong malaman na ang bawat gumagawa ng matuwid ay anak ng Diyos. Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama! Tinatawag niya tayong mga anak ng Diyos, at iyan nga ang totoo. Ito ang dahilan kung bakit hindi tayo nakikilala ng mga makasanlibutan: hindi nila kinikilala ang Diyos. Mga minamahal, anak na tayo ng Diyos ngayon, ngunit hindi pa nahahayag ang magiging kalagayan natin. Ngunit alam nating sa pagparitong muli ni Cristo, tayo'y matutulad sa kanya, sapagkat makikita natin kung sino talaga siya. Kaya't ang sinumang may ganitong pag-asa ay nagsisikap na maging malinis ang pamumuhay tulad ni Cristo. Ang bawat nagkakasala ay lumalabag sa kautusan ng Diyos, sapagkat ang kasalanan ay paglabag sa kautusan. Nalalaman ninyong naparito si Cristo upang pawiin ang ating mga kasalanan, at siya'y walang kasalanan. Ang nananatili sa kanya ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala. Ang sinumang nagpapatuloy sa pagkakasala ay hindi nakakita ni nakakilala man sa kanya. Mga anak, huwag kayong padaya kaninuman! Ang sinumang gumagawa ng matuwid ay isang matuwid tulad ni Cristo. Ang nagpapatuloy sa pagkakasala ay kampon ng diyablo, sapagkat sa simula pa'y gumagawa na ng kasalanan ang diyablo. Kaya't naparito ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo. Ang tinanggap ng Diyos bilang anak niya ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat nananatili sa kanya ang buhay na galing sa Diyos. At dahil ang Diyos ang ama niya, hindi siya maaaring magpatuloy sa pagkakasala. Dito natin makikilala kung sino ang mga anak ng Diyos at kung sino ang mga anak ng diyablo: ang sinumang hindi gumagawa ng matuwid at hindi umiibig sa kanyang kapatid ay hindi anak ng Diyos. Ito ang mensaheng narinig na ninyo sa simula pa: magmahalan tayo. Huwag tayong tumulad kay Cain; siya'y kampon ng diyablo. Pinatay niya ang kanyang kapatid. Bakit? Sapagkat masama ang kanyang mga gawa, ngunit matuwid ang mga gawa ng kanyang kapatid. Kaya, mga kapatid, huwag kayong magtaka kung kinapopootan kayo ng sanlibutan. Nalalaman nating lumipat na tayo sa buhay mula sa kamatayan, sapagkat iniibig natin ang kapatiran. Ang hindi umiibig ay nananatili sa kamatayan. Mamamatay-tao ang napopoot sa kanyang kapatid, at nalalaman ninyong ang buhay na walang hanggan ay wala sa mamamatay-tao. Dito natin nakikilala ang tunay na pag-ibig: inialay ni Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Kaya't dapat din nating ialay ang ating buhay para sa kapatiran. Kapag nakikita ng isang maykaya sa buhay ang kanyang kapatid na nangangailangan, at hindi niya ito tinulungan, masasabi bang siya'y umiibig sa Diyos? Mga anak, huwag tayong magmahal sa pamamagitan lamang ng salita, subalit ipakita rin natin ang tunay na pag-ibig sa pamamagitan ng gawa. Dito nga natin makikilalang tayo'y nasa panig ng katotohanan, at matatahimik ang ating budhi sa harapan ng Diyos sakali mang tayo'y usigin nito. Sapagkat ang Diyos ay higit sa ating budhi, at alam niya ang lahat ng bagay. Mga minamahal, kung hindi tayo inuusig ng ating budhi, makakalapit tayo sa Diyos na panatag ang ating kalooban. Tinatanggap natin ang anumang ating hilingin sa kanya dahil sinusunod natin ang kanyang mga utos at ginagawa ang nakalulugod sa kanya. Ito ang kanyang utos: sumampalataya tayo sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo, at magmahalan tayo gaya ng iniutos ni Cristo sa atin. Ang sumusunod sa mga utos ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at nananatili naman sa kanya ang Diyos. At nalalaman nating nananatili siya sa atin sa pamamagitan ng Espiritung ipinagkaloob niya sa atin. Mga minamahal, huwag ninyong paniniwalaan kaagad ang bawat nagsasabing nasa kanila ang Espiritu. Sa halip, subukin muna ninyo sila upang malaman kung talagang mula sa Diyos ang espiritung nasa kanila, sapagkat marami nang huwad na propeta sa mundong ito. Ito ang palatandaan na ang Espiritu ng Diyos nga ang nasa kanila: kung ipinapahayag nila na si Jesu-Cristo ay naging tao. Kung hindi gayon ang kanilang ipinapahayag tungkol kay Jesus, hindi mula sa Diyos ang espiritung nasa kanila. Ang espiritu ng anti-Cristo ang nasa kanila. Nasabi na sa inyong ito'y darating at ngayon nga'y nasa daigdig na. Mga anak, kayo nga'y sa Diyos na at napagtagumpayan na ninyo ang mga huwad na propeta, sapagkat ang Espiritung nasa inyo ay mas makapangyarihan kaysa espiritung nasa mga makasanlibutan. Sila'y makasanlibutan, kaya't mula rin sa sanlibutan ang itinuturo nila, at nakikinig sa kanila ang mga makasanlibutan. Ngunit tayo'y sa Diyos. Ang sinumang kumikilala sa Diyos ay nakikinig sa atin; ngunit hindi nakikinig sa atin ang sinumang hindi sa Diyos. Sa ganito nga natin nakikilala ang Espiritu ng katotohanan at ang espiritu ng kasinungalingan. Mga minamahal, mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos at kumikilala sa Diyos. Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. Inihayag ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang isugo niya sa mundo ang kanyang kaisa-isang Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya. Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos, kundi tayo ang inibig niya at isinugo niya ang kanyang Anak upang maging handog para mapatawad ang ating mga kasalanan. Mga minamahal, dahil ganoon kadakila ang pag-ibig ng Diyos sa atin, dapat din tayong magmahalan. Kailanma'y wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit kung tayo'y nag-iibigan, nasa atin ang Diyos at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig. Nalalaman nating nananatili tayo sa Diyos at siya naman sa atin, sapagkat pinagkalooban niya tayo ng kanyang Espiritu. Nakita namin at pinapatotohanang isinugo ng Ama ang kanyang Anak upang iligtas ang sanlibutan. Ang nagpapahayag na si Jesus ang Anak ng Diyos ay nananahan sa Diyos, at ang Diyos nama'y nananahan sa kanya. Nalalaman nating tayo'y iniibig ng Diyos at lubos tayong nananalig sa katotohanang ito. Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nagpapatuloy na umiibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili naman sa kanya. Ang pag-ibig ay nagiging ganap sa atin kaya't hindi natin kinatatakutan ang Araw ng Paghuhukom, sapagkat tayo'y tulad ni Cristo, kahit nasa daigdig pang ito. Walang kasamang takot ang pag-ibig at pinapawi ng ganap na pag-ibig ang anumang pagkatakot. Hindi pa ganap ang pag-ibig ng sinumang natatakot, sapagkat ang takot ay kaugnay ng parusa. Tayo'y umiibig sapagkat ang Diyos ang unang umibig sa atin. Ang nagsasabing “Iniibig ko ang Diyos,” subalit napopoot naman sa kanyang kapatid ay isang sinungaling. Kung ang kapatid na kanyang nakikita ay hindi niya magawang ibigin, paano niya maiibig ang Diyos na hindi niya nakikita? Ito ang utos na ibinigay sa atin ni Cristo: ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang mga kapatid. Kung tayo'y sumasampalataya na si Jesus ang siyang Cristo, tayo nga'y mga anak ng Diyos. At ang sinumang umiibig sa ama ay umiibig din sa anak. Ito ang palatandaang iniibig natin ang mga anak ng Diyos: kung iniibig natin ang Diyos at tinutupad ang kanyang mga utos, sapagkat ang tunay na umiibig sa Diyos ang tumutupad ng kanyang mga utos. Hindi naman mahirap sundin ang kanyang mga utos, sapagkat napagtagumpayan na ng mga anak ng Diyos ang sanlibutan; at nagtatagumpay tayo sa pamamagitan ng pananampalataya. Sino ang nagtatagumpay laban sa sanlibutan? Ang sinumang sumasampalataya na si Jesus ang Anak ng Diyos. Si Jesu-Cristo ang naparito sa pamamagitan ng tubig at ng dugo. Hindi sa pamamagitan ng tubig lamang kundi sa pamamagitan ng tubig at dugo. Ang Espiritu ang nagpapatotoo tungkol dito, sapagkat ang Espiritu ay katotohanan. Kung pinaniniwalaan natin ang patotoo ng mga tao, higit nating dapat paniwalaan ang patotoo ng Diyos, at ito ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanyang Anak. Ang sinumang sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay naniniwala sa patotoong ito. Ngunit ang Diyos ay ginagawang sinungaling ng sinumang hindi sumampalataya sa Diyos, sapagkat hindi ito naniniwala sa patotoo niya tungkol sa kanyang Anak. At ito ang patotoo: ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang buhay na walang hanggan at ito'y makakamtan natin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Ang sinumang pinapanahanan ng Anak ng Diyos ay mayroong buhay na walang hanggan, ngunit ang hindi pinapanahanan ng Anak ng Diyos ay hindi makakaranas ng buhay na walang hanggan. Isinusulat ko ito sa inyo upang malaman ninyo na kayong sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay may buhay na walang hanggan. Hindi tayo nag-aatubiling lumapit sa kanya dahil alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin kung ito'y naaayon sa kanyang kalooban. At dahil alam nating pinapakinggan nga niya tayo, alam din nating ibinibigay niya ang bawat hinihiling natin sa kanya. Kung makita ninuman na ang kanyang kapatid ay gumagawa ng kasalanang di hahantong sa kamatayan, ipanalangin niya ang kapatid na iyon sa Diyos na magbibigay sa kanya ng bagong buhay. Ito'y para sa mga kapatid na ang kasalanan ay hindi humahantong sa kamatayan. May kasalanang hahantong sa kamatayan, at hindi ko sinasabing idalangin ninyo ang sinumang gumagawa nito. Ang lahat ng gawaing di matuwid ay kasalanan, ngunit may kasalanang hindi hahantong sa kamatayan. Alam nating ang mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat iniingatan sila ni Jesu-Cristo, at hindi sila maaaring galawin ng diyablo. Alam nating tayo'y mga anak ng Diyos, kahit na ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng diyablo. At nalalaman nating naparito na ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Diyos, at tayo'y nasa tunay na Diyos, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Siya ang tunay na Diyos at buhay na walang hanggan. Mga anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyosan. Mula sa isang Matandang pinuno ng iglesya— Para sa minamahal na Ginang at sa kanyang mga anak, na tunay kong minamahal. Hindi lamang ako kundi ang lahat ng nakakaalam ng katotohanan ay nagmamahal sa inyo, sapagkat ang katotohanan ay nasa atin ngayon at magpakailanman. Sa pamamagitan ng katotohanan at pag-ibig, ipagkaloob nawa sa atin ng Diyos Ama at ni Jesu-Cristo na Anak niya, ang pagpapala, habag, at kapayapaan. Labis kong ikinagagalak na makitang ang ilan sa iyong mga anak ay namumuhay ayon sa katotohanan, alinsunod sa utos ng Ama sa atin. At ngayon, minamahal na Ginang, hinihiling ko sa iyo na mag-ibigan tayong lahat. Hindi ito bagong utos kundi isang dating utos na sa simula pa'y nasa atin na. Ito ang kahulugan ng pag-ibig na binabanggit ko: mamuhay tayo nang ayon sa mga kalooban ng Diyos. Ito ang utos na ibinigay sa inyo noon pang una: mamuhay kayo sa diwa ng pag-ibig. Sapagkat nagkalat sa sanlibutan ang mga mandaraya! Ayaw nilang kilalanin na si Jesu-Cristo'y naging tao. Ang ganoong mga tao ay mandaraya at laban kay Cristo. Mag-ingat nga kayo upang huwag mawalang saysay ang aming pinagpaguran, sa halip ay lubusan ninyong makamtan ang gantimpala. Ang hindi sumusunod sa katuruan ni Cristo, kundi nagdaragdag pa dito, ay hindi nagpapasakop sa Diyos. Ang sinumang nananatili sa katuruan ni Cristo ay nagpapasakop sa Ama at sa Anak. Huwag ninyong tanggapin sa inyong bahay ni batiin ang sinumang dumating sa inyo na may dalang katuruang laban kay Cristo, sapagkat ang bumabati sa kanya ay nagiging kasama niya sa masamang gawain. Marami pa sana akong sasabihin sa inyo, ngunit hindi ko na binanggit sa sulat na ito. Sa halip, ako'y umaasang makakapunta diyan at makakausap kayo nang personal upang malubos ang ating kagalakan. Kinukumusta ka ng mga anak ng iyong minamahal na kapatid na babae. Mula sa isang Matandang pinuno ng iglesya— Para kay Gayo na lubos kong minamahal. Mahal kong Gayo, idinadalangin kong ikaw sana'y nasa mabuting kalagayan at malusog ang katawan, tulad ng iyong buhay espirituwal na alam kong nasa mabuting kalagayan. Tuwang-tuwa ako nang dumating ang ilang kapatid at ibalitang ikaw ay tapat sa katotohanan at talagang namumuhay ayon dito. Wala nang higit na makapagpapaligaya sa akin kundi ang marinig ang balitang namumuhay ayon sa katotohanan ang aking mga anak. Mahal kong kaibigan, ang iyong paglilingkod sa mga kapatid kahit sa mga hindi mo kilala ay nagpapatunay na tapat ka. May mga nagbabalita sa iglesya rito tungkol sa iyong pag-ibig. Sana'y tulungan mo sila sa kanilang paglalakbay, gaya ng nararapat gawin sa mga lingkod ng Diyos, sapagkat naglalakbay sila sa pangalan ni Cristo at hindi tumatanggap ng anumang tulong sa mga di sumasampalataya sa Diyos. Dapat natin silang tulungan upang tayo'y makabahagi sa pagpapalaganap ng katotohanan. Sumulat ako sa iglesya subalit hindi binigyang pansin ni Diotrefes ang aking kapangyarihan; ang hangad niya'y siya ang kilalaning pinuno ninyo. Kaya't pagpunta ko diyan, uungkatin ko ang lahat ng ginawa niya at ang mga kasinungalingang sinabi niya laban sa amin. At hindi pa siya nasiyahan doon; ayaw niyang tanggapin ang mga kapatiran na dumarating at hinahadlangan pa niya at itinitiwalag sa iglesya ang mga nais tumanggap sa mga iyon. Minamahal, huwag mong tularan ang masamang halimbawang ito. Ang tularan mo ay ang mabuti, sapagkat ang gumagawa ng mabuti ay anak ng Diyos; ang gumagawa ng masama ay hindi pa nakakakilala sa Diyos. Mabuti ang sinasabi ng lahat tungkol kay Demetrio, at iyan ay makikita sa kanyang magandang pag-uugali. Iyan din ang aming patotoo, at alam mong totoo ang sinasabi namin. Marami pa sana akong sasabihin sa iyo, ngunit hindi ko na binanggit sa sulat na ito. Inaasahan kong magkikita tayo at makakapag-usap sa lalong madaling panahon. Sumaiyo nawa ang kapayapaan. Kinukumusta ka ng ating mga kaibigan dito. Ikumusta mo rin ako sa lahat ng ating mga kaibigan diyan. Mula kay Judas, alipin ni Jesu-Cristo at kapatid ni Santiago— Para sa mga tinawag ng Diyos, mga namumuhay sa pag-ibig ng Diyos Ama at sa pag-iingat ni Jesu-Cristo. Sumagana nawa sa inyo ang pagpapala, kapayapaan at pag-ibig. Mga minamahal, ang nais ko sanang isulat sa inyo'y ang tungkol sa kaligtasang tinatamasa nating lahat, ngunit nakita kong ang kailangang isulat sa inyo'y isang panawagan na inyong panindigan ang pananampalatayang ipinagkaloob minsan at magpakailanman sa mga banal, sapagkat lihim na nakapasok sa inyong samahan ang ilang taong ayaw kumilala sa Diyos. Binabaluktot nila ang aral tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos upang mabigyang katuwiran ang kanilang kahalayan. Ayaw nilang kilalanin si Jesu-Cristo, ang ating kaisa-isang Pinuno at Panginoon. Noon pa mang una, sinabi na ng kasulatan ang parusang nakalaan sa kanila. Kahit na alam na ninyo ang lahat ng ito, nais ko pa ring ipaalala sa inyo na matapos iligtas ng Panginoon ang bansang Israel sa lupain ng Egipto, pinuksa niya ang mga taong hindi nananalig sa kanya. Alalahanin din ninyo ang mga anghel na hindi nanatili sa kanilang dating kalagayan at kapangyarihan, sa halip ay iniwan ang kanilang tahanan. Kaya't sila'y ginapos ng Diyos ng di mapapatid na tanikala at ibinilanggo sa pusod ng kadiliman, hanggang sa sila'y hatulan sa dakilang Araw ng Paghuhukom. Alalahanin din ninyo na ang Sodoma at Gomorra at mga karatig-lunsod ay nalulong sa kahalayan at di karaniwang pagnanasa ng laman, kaya't sila'y pinarusahan sa apoy na di namamatay bilang babala sa lahat. Ganyan din ang mga taong ito, dahil sa kanilang mga pangitain ay dinudungisan nila ang kanilang sariling katawan, hinahamak nila ang kapangyarihan ng Diyos at nilalait ang mariringal na anghel. Kahit si Miguel na pinuno ng mga anghel, nang makipagtalo siya sa diyablo tungkol sa bangkay ni Moises, ay hindi nangahas gumamit ng paglapastangan. Ang tanging sinabi niya ay “Parusahan ka nawa ng Panginoon!” Ngunit nilalapastangan ng mga taong ito ang anumang di nila nauunawaan. Sila ay tulad ng mga hayop na ang sinusunod lamang ay ang kanilang damdamin, na siya namang magpapahamak sa kanila. Kaawa-awa sila! Kakila-kilabot ang sasapitin nila sapagkat sumunod sila sa halimbawa ni Cain. Tulad ni Balaam, hindi sila nag-atubiling gumawa ng kamalian dahil lamang sa salapi. Naghimagsik silang tulad ni Korah, kaya't sila'y namatay ding katulad niya. Napakalaking kahihiyan at kasiraang-puri ang sila'y makasama ninyo sa mga salu-salong pangmagkakapatid. Wala silang iniintindi kundi ang kanilang sarili. Para silang mga ulap na tinatangay ng hangin ngunit di nagdadala ng ulan; mga punongkahoy na binunot na pati ugat at talagang patay na dahil hindi namumunga kahit sa kapanahunan. Sila'y mga alon sa dagat na ang bula ay ang kanilang mga gawang kahiya-hiya; mga ligaw na bituin na nakalaan sa kadiliman magpakailanman. Tungkol din sa kanila ang pahayag ni Enoc, na kabilang sa ikapitong salinlahi mula kay Adan. Sinabi niya, “Tingnan ninyo! Dumarating na ang Panginoon kasama ang kanyang libu-libong mga anghel upang hatulan silang lahat. Paparusahan niya ang lahat ng ayaw kumilala sa Diyos dahil sa kanilang mga kasamaan at paglapastangan sa Diyos!” Ang mga taong ito'y walang kasiyahan, mapamintas, alipin ng kanilang masasamang nasa, mga mayayabang, at sanay na sanay manloko para makuha ang gusto nila. Mga minamahal, alalahanin ninyo ang sinabi ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Noon pa'y sinabi na nila sa inyo, “Sa huling panahon, may lilitaw na mga taong mapanlait at alipin ng masasamang nasa ng laman.” Ito ang mga taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, mga taong alipin ng kanilang masasamang nasa at hindi pinapanahanan ng Espiritu. Ngunit magpakatatag kayo, mga minamahal, sa inyong napakabanal na pananampalataya. Manalangin kayo sa tulong ng Espiritu Santo. Manatili kayo sa pag-ibig ng Diyos habang naghihintay kayo sa ating Panginoong Jesu-Cristo na magkakaloob sa inyo ng buhay na walang hanggan dahil sa kanyang habag sa atin. Kaawaan ninyo ang mga nag-aalinlangan. Agawin ninyo ang mga hahatulan sa apoy ng paghuhukom. Ang iba nama'y kaawaan ninyo nang may halong pag-iingat; kasuklaman ninyo kahit ang mga damit nilang nadumihan dahil sa kahalayan. Sa kanya na makakapag-ingat sa inyo upang hindi kayo magkasala, at makakapagharap sa inyo nang walang kapintasan at may malaking kagalakan sa kanyang kaluwalhatian, sa iisang Diyos na ating Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin, sa kanya ang kapurihan, karangalan, kaluwalhatian at kapangyarihan, mula pa noong una, ngayon at magpakailanman! Amen. Ito ang pahayag na ibinigay ng Diyos kay Jesu-Cristo, at sa pamamagitan ng anghel na kanyang isinugo, kanya namang inihayag kay Juan na alipin niya. Ang layunin ng paghahayag na ito'y ipabatid sa mga alipin ng Diyos ang mga bagay na malapit nang maganap. Ito ang patotoo ni Juan sa lahat ng nakita niya tungkol sa mensahe ng Diyos na ipinahayag naman ni Jesu-Cristo. Mapalad ang bumabasa ng aklat na ito, ang mga nakikinig sa propesiya nito, at tumutupad sa nasusulat dito! Sapagkat malapit na itong maganap. Mula kay Juan, para sa pitong iglesya sa lalawigan ng Asia. Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos na siyang nakaraan, kasalukuyan, at darating. Ito'y mula sa pitong espiritung nasa harap ng kanyang trono, at mula kay Jesu-Cristo, ang tapat na saksi, ang panganay na anak, ang unang binuhay mula sa mga patay at pinuno ng mga hari sa lupa. Iniibig niya tayo, at sa pamamagitan ng kanyang dugo ay pinalaya niya tayo sa ating mga kasalanan. Ginawa niya tayong isang lahi ng mga pari na naglilingkod sa kanyang Diyos at Ama. Kay Jesu-Cristo ang kapurihan at kapangyarihan magpakailanman! Amen. Tingnan ninyo, dumarating siyang nasa mga alapaap at makikita siya ng lahat, pati ng mga sumibat sa kanyang tagiliran; tatangis ang lahat ng lipi sa lupa dahil sa kanya. Ganoon nga ang mangyayari. Amen! “Ako ang Alpha at ang Omega,” sabi ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat; Diyos sa kasalukuyan, sa nakaraan, at siyang darating. Ako'y si Juan, ang inyong kapatid at kasama sa kapighatian at pagtitiis na nararanasan ng mga kabilang sa kanyang kaharian dahil sa pakikipag-isa kay Jesus. Itinapon ako sa isla ng Patmos sapagkat ipinahayag ko ang salita ng Diyos at ang katotohanang inihayag ni Jesus. Noon ay araw ng Panginoon, at habang nasa ilalim ako ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, narinig ko mula sa aking likuran ang isang malakas na tinig na parang tunog ng trumpeta. Sabi niya, “Isulat mo ang iyong nakita, at ipadala mo sa pitong iglesya: sa Efeso, Esmirna, Pergamo, Tiatira, Sardis, Filadelfia at Laodicea.” Lumingon ako upang tingnan ang nagsasalita, at nakakita ako ng pitong ilawang ginto. Nakatayo sa gitna ng mga ilawan ang isang parang Anak ng Tao na nakadamit ng hanggang sakong, at may gintong pamigkis sa kanyang dibdib. Ang kanyang ulo at buhok ay kasimputi ng balahibo ng tupa o ng niyebe, at ang kanyang mga mata'y parang apoy na nagliliyab. Kumikinang ang kanyang mga paa na parang tansong pinakintab, at parang rumaragasang tubig ang kanyang tinig. May hawak siyang pitong bituin sa kanang kamay, at lumalabas sa kanyang bibig ang isang matalim na tabak na sa magkabila'y may talim. Ang kanyang mukha ay nakakasilaw na parang matinding sikat ng araw. Pagkakita ko sa kanya, para akong patay na bumagsak sa kanyang paanan, ngunit ipinatong niya sa akin ang kanyang kanang kamay at sinabi, “Huwag kang matakot! Ako ang simula at ang wakas, at ang nabubuhay! Namatay ako ngunit tingnan mo, ako'y buháy ngayon at mananatiling buháy magpakailanman. Nasa ilalim ng aking kapangyarihan ang kamatayan at ang daigdig ng mga patay. Kaya't isulat mo ang iyong nakita, ang nangyayari ngayon at ang mangyayari pa pagkatapos nito. Ito ang kahulugan ng pitong ilawang ginto at ng pitong bituing hawak ko. Ang pitong ilawang ginto ay ang pitong iglesya at ang pitong bituin ay ang mga anghel ng pitong iglesya. “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Efeso: “Ito ang ipinapasabi ng may hawak ng pitong bituin sa kanyang kanang kamay at lumalakad sa gitna ng pitong ilawang ginto. Nalalaman ko ang mga ginagawa mo, ang iyong mga pagpapakahirap at pagtitiyaga. Alam kong hindi mo kinukunsinti ang masasama. Sinubok mo ang mga huwad na apostol, at napatunayan mong sila'y nagsisinungaling. Alam ko ring matiyaga ka, nagtiis ng maraming hirap alang-alang sa akin at hindi ka sumuko. Subalit may isang bagay na ayaw ko sa iyo: ang pag-ibig mo noong una kang sumampalataya ay nanlalamig na. Alalahanin mo ang dati mong kalagayan; pagsisihan mo at talikuran ang iyong masasamang gawa, at gawin mong muli ang mga ginagawa mo noong una. Kapag hindi ka nagsisi, pupunta ako diyan at aalisin ko sa kinalalagyan ang iyong ilawan. Ngunit ito naman ang napupuri ko sa iyo; kinapopootan mo ring tulad ko ang mga ginagawa ng mga Nicolaita. “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya! “Ibibigay ko sa magtatagumpay ang karapatang kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay na nasa paraiso ng Diyos.” “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Esmirna: “Ito ang ipinapasabi sa iyo ng simula at wakas, ang namatay at muling nabuhay. Nalalaman ko ang mga kapighatian na dinaranas mo. Alam kong mahirap ka, ngunit ang totoo'y mayaman ka. Nalalaman ko rin ang mga paninirang-puri sa iyo ng mga hindi tunay na Judio; ngunit ang totoo, sila'y mga kampon ni Satanas. Huwag kang matakot sa mga pag-uusig na malapit mo nang danasin. Makinig ka! Ipabibilanggo ng diyablo ang ilan sa inyo bilang pagsubok; magtitiis kayo sa loob ng sampung araw. Manatili kang tapat hanggang kamatayan, at gagantimpalaan kita ng korona ng buhay. “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya! “Ang magtatagumpay ay hindi makakaranas ng pangalawang kamatayan.” “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Pergamo: “Ito ang ipinapasabi ng may hawak ng matalas na tabak na sa magkabila'y may talim. Nalalaman ko kung saan ka nakatira, sa lugar na pinaghaharian ni Satanas, ngunit nananatili kang tapat sa akin. Hindi mo tinalikuran ang iyong pananampalataya sa akin kahit noong si Antipas na tapat kong lingkod ay patayin diyan sa kalagitnaan ninyo sa bayang tinitirhan ni Satanas. Subalit may hinanakit ako sa iyo: may ilan sa inyo na sumusunod sa katuruan ni Balaam na nagturo kay Balac upang mahikayat ang mga Israelita na magkasala. Kaya't kumain sila ng mga pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan at nakiapid. May ilan din sa inyong sumusunod sa katuruan ng mga Nicolaita. Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan! Kung hindi, pupunta ako diyan sa lalong madaling panahon at pupuksain ko ang mga taong iyon sa pamamagitan ng tabak na lumalabas sa aking bibig. “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya! “Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng nakatagong manna. Bibigyan ko rin siya ng batong puti na kinasusulatan ng isang bagong pangalan, na walang sinumang nakakaalam maliban sa tatanggap niyon.” “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Tiatira: “Ito ang ipinapasabi ng Anak ng Diyos na may mga matang parang apoy na nagliliyab at mga paang kumikinang na parang tansong pinakintab. Nalalaman ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay higit kaysa noong una. Ngunit ito ang masasabi ko laban sa iyo: pinapayagan mo si Jezebel, ang babaing nagpapanggap na propeta, na turuan at linlangin ang aking mga lingkod upang makiapid at kumain ng pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan. Binigyan ko siya ng sapat na panahon upang pagsisihan at talikuran ang kanyang pakikiapid, ngunit ayaw niya. Kaya nga magkakasakit siya nang malubha, pati ang mga kasama niya sa pangangalunya. Daranas sila ng matinding kapighatian kung hindi nila pagsisisihan at tatalikuran ang kahalayang ginawa nila sa piling ng babaing iyan. Papatayin ko rin ang kanyang mga tagasunod upang malaman ng mga iglesya na ako ang nakakaalam sa puso't isip ng mga tao. Gagantimpalaan ko ang bawat isa sa inyo ayon sa inyong mga gawa. “Ngunit para sa ibang mga taga-Tiatira, na hindi nakinig sa masasamang katuruan ni Jezebel at hindi natuto ng tinatawag na ‘malalalim na lihim ni Satanas,’ ito ang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo bibigyan ng pasanin, ngunit dapat kayong manatiling tapat sa akin hanggang ako'y dumating. Sa magtatagumpay at tutupad ng kalooban ko hanggang wakas, ibibigay ko sa kanya ang pamamahala sa mga bansa. Mamamahala siya sa pamamagitan ng tungkod na bakal at dudurugin niya ang mga bansa na parang mga palayok. Ibinibigay ko ito kung paanong ibinigay ito sa akin ng Ama. Ibibigay ko rin sa mga magtatagumpay ang bituin sa umaga. “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!” “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Sardis: “Ito ang sinasabi ng nagtataglay ng pitong espiritu ng Diyos at ng pitong bituin. Nalalaman ko ang ginagawa mo; ipinapalagay kang buháy, ngunit ang totoo, ikaw ay patay. Kaya't gumising ka! Pag-alabin mo ang mga katangiang nalalabi pa sa iyong buhay upang hindi ito tuluyang mamatay. Nakikita kong hindi pa ganap ang mga nagawa mo sa paningin ng aking Diyos. Kaya nga, alalahanin mo ang mga bagay na iyong tinanggap at narinig. Isagawa mo ang mga iyon; pagsisihan mo't talikuran ang iyong kasamaan. Kung hindi ka gigising, pupunta ako diyan na gaya ng isang magnanakaw, at hindi mo malalaman ang oras ng aking pagdating. “Ngunit may ilan sa inyo diyan sa Sardis na nag-ingat na mapanatiling malinis ang kanilang damit, kaya't kasabay ko silang maglalakad na nakasuot ng puti sapagkat sila'y karapat-dapat. Ang magtatagumpay ay magdaramit ng puti, at hindi ko kailanman aalisin sa aklat ng buhay ang kanyang pangalan. Kikilalanin ko siya sa harap ng aking Ama at ng kanyang mga anghel. “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!” “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Filadelfia: “Ito ang sinasabi ng banal at mapagkakatiwalaan, ang may hawak ng susi ni David. Walang makakapagsara ng anumang buksan niya, at walang makakapagbukas ng anumang sarhan niya. Nalalaman ko ang mga ginagawa mo. Alam kong mahina ka ngunit sinusunod mo ang aking salita, at naging tapat ka sa akin. Kaya't binuksan ko para sa iyo ang isang pinto na hindi maisasara ninuman. Tingnan mo! Palalapitin ko sa iyo at paluluhurin ang mga kampon ni Satanas na nagpapanggap na mga Judio ngunit hindi naman, at sa halip ay nagsisinungaling. Malalaman nilang minamahal kita. Sapagkat nagtiyaga ka gaya ng iniuutos ko sa iyo, iingatan naman kita sa panahon ng pagsubok na darating sa lahat ng tao sa buong daigdig! Darating ako sa lalong madaling panahon. Kaya't ingatan mo ang mga tagubilin ko sa iyo upang hindi maagaw ninuman ang iyong gantimpala. Ang magtatagumpay ay gagawin kong isang haligi sa templo ng aking Diyos, at hinding-hindi na siya lalabas doon. Iuukit ko sa kanya ang pangalan ng aking Diyos, at ang pangalan ng kanyang lunsod. Ito ang bagong Jerusalem na bababâ mula sa langit buhat sa aking Diyos. Iuukit ko rin sa kanya ang aking bagong pangalan. “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!” “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Laodicea: “Ito ang sinasabi niya na ang pangalan ay Amen, ang Matapat at Tunay na Saksi, at siyang Pinagmulan ng lahat ng nilalang ng Diyos. Nalalaman ko ang mga ginawa mo. Alam kong hindi ka malamig ni mainit man! Higit na mabuti kung ikaw ay malamig o mainit. Ngunit dahil sa ikaw ay maligamgam, hindi mainit ni malamig, isusuka kita! Sinasabi mo, ‘Ako'y mayaman, sagana sa lahat ng bagay at wala nang kailangan pa,’ ngunit hindi mo nalalamang ikaw ay kawawa, kahabag-habag, mahirap, bulag at hubad. Kaya nga, ipinapayo kong bumili ka sa akin ng purong ginto upang ikaw ay maging tunay na mayaman. Bumili ka rin sa akin ng puting damit upang matakpan ang nakakahiya mong kahubaran, at ng gamot na ipapahid sa iyong mata upang ikaw ay makakita. Sinasaway ko't pinapalo ang lahat ng aking minamahal. Kaya't maging masigasig ka! Pagsisihan mo't talikuran ang iyong mga kasalanan. Nakatayo ako at kumakatok sa pintuan. Kung diringgin ninuman ang aking tinig at bubuksan ang pinto, papasok ako sa kanyang tahanan at kakain kaming magkasalo. Ang magtatagumpay ay uupong katabi ko sa aking trono, tulad ko na nagtagumpay at nakaupo ngayon katabi ng aking Ama sa kanyang trono. “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!” Pagkatapos kong masaksihan ang mga bagay na ito, nakita ko sa langit ang isang bukás na pinto. At muli kong narinig ang tinig na parang tunog ng isang trumpeta, na ang sabi sa akin, “Umakyat ka rito, at ipapakita ko sa iyo kung ano pang mga mangyayari pagkatapos nito.” At agad akong napuspos ng kapangyarihan ng Espiritu, at nakita ko sa langit ang isang trono at ang isang nakaupo roon. Ang anyo niya'y maningning na parang mahahalagang batong jasper at kornalina. May isang bahagharing nagniningning na parang esmeralda sa palibot ng trono. Nakapaligid naman dito ang dalawampu't apat pang trono na sa bawat isa'y may nakaupong isang pinuno na nakadamit ng puti at may koronang ginto sa ulo. Mula sa trono ay gumuguhit ang kidlat, kasabay ng mga ugong at mga kulog. Sa harap ng trono ay may pitong nagniningas na sulo; ito ang pitong espiritu ng Diyos. Sa harap ng trono ay may tila dagat na salamin na sinlinaw ng kristal. Sa apat na panig ng trono ay may apat na buháy na nilalang, na punung-puno ng mga mata sa kanilang harap at likod. Ang unang buháy na nilalang ay katulad ng leon; katulad naman ng baka ang pangalawa; kamukha ng tao ang pangatlo; at katulad naman ng agilang lumilipad ang pang-apat. Ang bawat isa ay may tig-aanim na pakpak, at punung-puno ng mga mata sa harap at likod. Walang tigil ang kanilang pag-awit araw at gabi, “Banal, banal, banal, ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ang Diyos ng nakaraan, ng kasalukuyan, at siyang darating.” Tuwing umaawit ng papuri, parangal at pasasalamat ang apat na buháy na nilalang sa nakaupo sa trono, na nabubuhay magpakailanman, ang dalawampu't apat na pinuno naman ay nagpapatirapa sa harap ng trono at sinasamba ang nakaupo doon, ang nabubuhay magpakailanman. Iniaalay nila ang kanilang korona sa harap ng trono, at sinasabi, “Aming Panginoon at Diyos! Karapat-dapat kang tumanggap ng papuri, karangalan, at kapangyarihan; sapagkat ikaw ang lumalang sa lahat ng bagay, at ayon sa iyong kagustuhan, sila'y nilalang mo at pinapanatili.” Nakita ko sa kanang kamay ng nakaupo sa trono ang isang kasulatan na may sulat ang loob at labas at sinarhan ng pitong selyo. At nakita ko rin ang isang makapangyarihang anghel na nagtanong nang malakas, “Sino ang karapat-dapat na mag-alis sa mga selyo at magbukas sa kasulatan?” Ngunit wala ni isa man, maging sa langit, maging sa lupa o sa ilalim ng lupa, na makapagbukas o makatingin sa nilalaman niyon. Buong kapaitan akong umiyak dahil walang natagpuang karapat-dapat na magbukas at tumingin sa nilalaman niyon. Ngunit sinabi sa akin ng isa sa mga pinuno, “Huwag kang umiyak. Tingnan mo! Ang Leon mula sa lipi ni Juda, ang anak ni David, ang siyang nagtagumpay at may karapatang mag-alis sa pitong selyo at magbukas sa kasulatang nakarolyo.” Pagkatapos, nakita ko sa pagitan ng mga pinuno at ng tronong napapaligiran ng apat na buháy na nilalang ang isang Korderong nakatayo na parang pinatay na. Ito'y may pitong sungay at pitong mata na siyang pitong espiritu ng Diyos na ipinadala sa buong sanlibutan. Lumapit ang Kordero at kinuha ang kasulatan sa kanang kamay ng nakaupo sa trono. Nang ito'y kunin niya, nagpatirapa sa harapan ng Kordero ang apat na buháy na nilalang at ang dalawampu't apat na pinuno. Bawat isa'y may hawak na alpa at may gintong mangkok na puno ng insenso na siyang mga panalangin ng mga banal. Inaawit nila ang isang bagong awit: “Ikaw ang karapat-dapat na kumuha sa kasulatan at sumira sa mga selyo niyon. Sapagkat pinatay ka, at sa pamamagitan ng iyong dugo ay tinubos mo ang mga tao para sa Diyos, mula sa bawat lahi, wika, bayan at bansa. Ginawa mo silang isang lahing maharlika at mga pari na itinalaga upang maglingkod sa ating Diyos; at sila'y maghahari sa lupa.” Tumingin akong muli at narinig ko ang tinig ng milyun-milyon at libu-libong anghel. Sila'y nakapaligid sa trono, sa apat na buháy na nilalang at sa mga pinuno. Umaawit sila nang malakas, “Ang Korderong pinatay ay karapat-dapat tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan, parangal, papuri at paggalang!” At narinig kong umaawit ang mga nilikhang nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa at nasa dagat, lahat ng mga naroroon, “Ibigay sa nakaupo sa trono, at sa Kordero, ang papuri at karangalan, kaluwalhatian at kapangyarihan, magpakailanman!” At sumagot ang apat na nilalang na buháy, “Amen!” At nagpatirapa ang mga pinuno at nagsisamba. Nakita kong inalis ng Kordero ang una sa pitong selyo, at narinig kong kasinglakas ng kulog na sinabi ng isa sa apat na buháy na nilalang, “Halika!” At nakita ko ang isang kabayong puti na ang nakasakay ay may hawak na pana. Binigyan siya ng korona at siya'y umalis upang patuloy na manakop. Inalis ng Kordero ang pangalawang selyo, at narinig kong sinabi ng pangalawang buháy na nilalang, “Halika!” Isa namang kabayong pula ang lumitaw na ang nakasakay ay binigyan ng kapangyarihang magpasimula ng digmaan sa lupa upang magpatayan ang mga tao. Binigyan siya ng isang malaking tabak. Inalis ng Kordero ang pangatlong selyo, at narinig kong sinabi ng pangatlong buháy na nilalang, “Halika!” Isang kabayong itim ang nakita ko at may hawak na timbangan ang nakasakay dito. May narinig akong parang isang tinig na nagmumula sa kinaroroonan ng apat na buháy na nilalang, na nagsabi, “Isang takal na trigo lamang ang mabibili ng sweldo sa maghapong trabaho at tatlong takal na harina lamang ang mabibili sa ganoon ding halaga. Ngunit huwag mong pinsalain ang langis ng olibo at ang alak!” Inalis ng Kordero ang pang-apat na selyo, at narinig kong sinabi ng pang-apat na buháy na nilalang, “Halika!” At ang nakita ko nama'y isang kabayong may maputlang kulay. Ang pangalan ng nakasakay dito ay Kamatayan, at kasunod niya ang daigdig ng mga patay. Ibinigay sa mga ito ang kapangyarihan sa ikaapat na bahagi ng lupa upang pumatay sa pamamagitan ng digmaan, taggutom, salot, at mababangis na hayop. Inalis ng Kordero ang panlimang selyo, at nakita ko sa ilalim ng dambana ang mga kaluluwa ng mga pinatay dahil sa salita ng Diyos at dahil sa matapat na pagsaksi nila rito. Ubos-lakas silang sumigaw, “O Panginoong Makapangyarihan, banal at tapat! Huwag na po ninyong patagalin ang paghatol at pagpaparusa sa mga taong pumatay sa amin.” Binigyan ng puting kasuotan ang bawat isa sa kanila, at sinabi sa kanilang magpahinga nang kaunti pang panahon, hanggang sa mabuo ang bilang ng kanilang mga kapatid at kasamahan sa paglilingkod kay Cristo, na papatayin ding tulad nila. At inalis ng Kordero ang pang-anim na selyo. Lumindol nang malakas, ang araw ay nangitim na parang damit na panluksa at ang buwan ay naging kasimpula ng dugo. Nalaglag mula sa langit ang mga bituin, parang mga bubot na bunga ng igos kapag binabayo ng malakas na hangin. Naglaho ang langit na parang kasulatang inirolyo, at nawala sa kanilang dating kinalalagyan ang mga bundok at mga pulo. Nagtago sa mga yungib na bato ang mga hari sa lupa, ang mga gobernador, ang mga pinuno ng hukbo, ang mayayaman, ang makapangyarihan, at lahat ng tao, alipin man o malaya. At sinabi nila sa mga bundok at sa mga bato, “Tabunan ninyo kami para makubli kami sa mukha ng nakaupo sa trono, at makaiwas sa poot ng Kordero! Sapagkat dumating na ang malagim na araw ng pagbubuhos nila ng kanilang poot, at sino ang makakatagal?” Pagkatapos nito, may nakita naman akong apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng daigdig. Pinipigil nila ang apat na hangin upang huwag munang umihip sa lupa, sa dagat o sa alinmang punongkahoy. At nakita kong umaakyat sa gawing silangan ang isa pang anghel, taglay ang pantatak ng Diyos na buháy. Sumigaw siya sa apat na anghel na binigyan ng Diyos ng kapangyarihang maminsala sa lupa at sa dagat, “Huwag muna ninyong pinsalain ang lupa, ang dagat o ang mga punongkahoy hangga't hindi pa natin nalalagyan ng tatak sa noo ang mga lingkod ng ating Diyos.” At sinabi sa akin ang bilang ng mga tinatakan, 144,000 buhat sa labindalawang lipi ng Israel. Pagkatapos nito'y nakita ko ang napakaraming tao na di kayang bilangin ninuman! Sila'y mula sa bawat bansa, lahi, bayan, at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng Kordero, nakadamit ng puti at may hawak na mga palaspas. Sinasabi nila nang malakas, “Ang kaligtasan ay nagmumula sa Kordero, at sa ating Diyos na nakaluklok sa trono!” Tumayo ang lahat ng anghel sa palibot ng trono, gayundin ang mga pinuno, at ang apat na nilalang na buháy. Sila'y nagpatirapa sa harap ng trono at sumamba sa Diyos. Sinasabi nila, “Amen! Sa ating Diyos ang papuri, kaluwalhatian, karunungan, pasasalamat, karangalan, kapangyarihan, at lakas magpakailanman! Amen.” Tinanong ako ng isa sa mga pinuno, “Sino ang mga taong nakadamit ng puti, at saan sila nanggaling?” “Ginoo, kayo po ang nakakaalam,” ang sagot ko. At sinabi niya sa akin, “Sila ang mga nagtagumpay sa gitna ng matinding kapighatian. Nilinis nila at pinaputi sa dugo ng Kordero ang kanilang damit. Iyan ang dahilan kung bakit sila ay nasa harap ng trono ng Diyos at naglilingkod sa kanya sa templo araw at gabi. At ang nakaupo sa trono ang siyang kukupkop sa kanila. Hindi na sila magugutom ni mauuhaw man; hindi na rin sila mabibilad sa araw ni mapapaso ng anumang matinding init, sapagkat ang Korderong nasa gitna ng trono ang magiging pastol nila. Sila'y gagabayan niya sa mga bukal ng tubig na nagbibigay-buhay, at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.” Nang alisin ng Kordero ang ikapitong selyo, naghari sa langit ang katahimikan sa loob ng halos kalahating oras. Pagkatapos nito'y nakita ko ang pitong anghel na nakatayo sa harapan ng Diyos at binigyan ng trumpeta ang bawat isa sa kanila. Dumating ang isa pang anghel na may dalang gintong sunugan ng insenso at tumayo naman sa harap ng dambana. Binigyan siya ng maraming insenso upang ihandog sa dambanang ginto na nasa harap ng trono, kalakip ng dalangin ng mga hinirang ng Diyos. Mula sa kamay ng anghel ay unti-unting tumaas sa harapan ng Diyos ang usok ng insenso kalakip ng dalangin ng mga hinirang ng Diyos. Pagkatapos, ang anghel ay kumuha ng mga baga mula sa dambana, inilagay sa sunugan ng insenso at inihagis sa lupa, at biglang kumulog, nagkaingay, kumidlat at lumindol. At humanda ang pitong anghel upang hipan ang kanilang trumpeta. Hinipan ng unang anghel ang kanyang trumpeta at umulan ng yelo at apoy na may kahalong dugo. Nasunog ang ikatlong bahagi ng lupa, ang ikatlong bahagi ng mga punongkahoy at lahat ng sariwang damo. Hinipan ng ikalawang anghel ang kanyang trumpeta at bumagsak sa dagat ang isang parang malaking bundok na nasusunog. Naging dugo ang ikatlong bahagi ng dagat, namatay ang ikatlong bahagi ng mga nilalang na naroon at nawasak ang ikatlong bahagi ng mga sasakyang-dagat. Hinipan ng ikatlong anghel ang kanyang trumpeta at nahulog mula sa langit ang isang malaking bituing nagliliyab na parang sulo at bumagsak sa ikatlong bahagi ng mga ilog at mga bukal. Ang bituin ay tinatawag na Kapaitan. Pumait ang ikatlong bahagi ng tubig, at maraming tao ang namatay pagkainom nito. Hinipan ng ikaapat na anghel ang kanyang trumpeta at napinsala ang ikatlong bahagi ng araw, ng buwan, at ng mga bituin, kaya't nawala ang ikatlong bahagi ng kanilang liwanag. Nagdilim ang ikatlong bahagi ng maghapon, at walang tumanglaw sa ikatlong bahagi ng magdamag. Pagkatapos ay nakita ko ang isang agilang lumilipad sa kalawakan, at narinig ko itong sumisigaw, “Kalagim-lagim! Talagang kalagim-lagim ang sasapitin ng lahat ng nasa lupa pagtunog ng mga trumpetang hihipan ng tatlo pang anghel!” Hinipan ng ikalimang anghel ang kanyang trumpeta at nakita kong nahulog sa lupa ang isang bituin; ibinigay sa bituin ang susi ng banging napakalalim. Binuksan ng bituin ang bangin at may lumabas na makapal na usok, tulad ng usok ng malaking hurno, kaya't nagdilim ang araw at ang himpapawid. May naglabasang mga balang mula sa usok at kumalat sa lupa. Binigyan sila ng kakayanang manakit, tulad ng pananakit ng mga alakdan. Ipinagbilin sa kanila na huwag sirain ang mga damo, punongkahoy o anumang halaman. Ang mga tao lamang na walang tatak ng Diyos sa noo ang maaari nilang saktan. Hindi pinahintulutan ang mga balang na patayin ang mga taong ito, kundi pahirapan lamang sa loob ng limang buwan. Parang kagat ng alakdan ang kirot na dulot ng mga balang na ito. Sa loob ng panahong iyon, hahanapin ng mga tao ang kamatayan ngunit hindi ito matatagpuan. Nanaisin nila ang kamatayan ngunit lalayuan sila nito. Ang mga balang ay parang mga kabayong handa na sa pakikipagdigma. Sila'y may putong na parang koronang ginto, at parang mukha ng tao ang kanilang mukha. Parang buhok ng babae ang kanilang buhok at parang ngipin ng leon ang kanilang mga ngipin. Natatakpan ng mga baluting bakal ang kanilang dibdib, at ang pagaspas ng kanilang pakpak ay parang dagundong ng mga karwaheng hila ng mga kabayong lulusob sa labanan. Sila ay may buntot na may tulis gaya ng sa alakdan. Nasa buntot nila ang kapangyarihang manakit ng mga tao sa loob ng limang buwan. Ang pinuno nila'y ang anghel na bantay sa banging napakalalim. Ang kanyang pangalan sa wikang Hebreo ay Abadon, at sa wikang Griego'y Apolion. Nakaraan na ang unang lagim; dalawa pa ang darating. Hinipan ng ikaanim na anghel ang kanyang trumpeta at nakarinig ako ng tinig mula sa mga sulok ng gintong dambana na nasa harapan ng Diyos. Iniutos nito sa anghel na may trumpeta, “Kalagan mo ang apat na anghel na nakagapos sa tabi ng malaking Ilog Eufrates.” At pinalaya ang apat na anghel upang patayin nila ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan; talagang inihanda sila para sa oras, araw, buwan at taóng ito. Sinabi sa akin na ang bilang ng hukbong nakakabayo ay dalawandaang milyon. At nakita ko sa pangitain ang mga kabayo, at ang mga dibdib ng mga sakay nito ay may mapulang baluti na gaya ng apoy, asul na gaya ng safiro, at dilaw na parang asupre. Ang mga ulo ng mga kabayo ay parang ulo ng leon, at ang kanilang bibig ay bumubuga ng apoy, usok at asupre. Ang tatlong salot na pumatay sa ikatlong bahagi ng sangkatauhan ay ang apoy, usok at asupre na nagmula sa kanilang bibig. Ang kapangyarihan ng mga kabayo'y nasa kanilang mga bibig at nasa kanilang mga buntot na parang ahas at may ulo na siyang ginagamit nila sa pananakit. Ang natira sa sangkatauhan na hindi namatay sa mga salot na ito ay hindi nagsisi. Hindi sila tumalikod ni tumigil man sa pagsamba sa mga demonyo at sa mga diyus-diyosang ginawa ng kanilang kamay, mga larawang ginto, pilak, tanso, bato at kahoy, na di nakakakita, nakakarinig o nakakalakad man. Ni hindi rin nila pinagsisihan ang kanilang mga pagpatay, pangkukulam, pakikiapid at pagnanakaw. Pagkaraan nito, nakita ko ang isa pang makapangyarihang anghel na bumababa mula sa langit. Siya'y nababalot ng ulap at may bahaghari sa kanyang ulunan. Nagniningning na parang araw ang kanyang mukha, at parang mga haliging apoy ang kanyang mga binti. May hawak siyang isang maliit na kasulatan na nakabukas. Itinuntong niya sa dagat ang kanyang kanang paa, at sa lupa naman ang kaliwa. Sumigaw siya, at ang kanyang tinig ay parang atungal ng leon. Tinugon siya ng dagundong ng pitong kulog. Isusulat ko sana ang aking nasaksihan nang matapos ang dagundong. Ngunit narinig ko mula sa langit ang isang tinig na nagsabi, “Ilihim mo ang sinabi ng pitong kulog, huwag mo nang isulat!” At itinaas ng anghel na nakita kong nakatuntong sa dagat at sa lupa ang kanyang kanang kamay at nanumpa sa pangalan ng Diyos na nabubuhay magpakailanman na siyang lumikha ng langit, lupa, dagat, at ang lahat ng naroroon. Sinabi ng anghel, “Hindi na magtatagal! Sa araw na hipan ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta, isasagawa na ng Diyos ang lihim niyang plano, gaya ng ipinahayag niya sa mga propeta na kanyang mga lingkod.” Pagkatapos ay kinausap akong muli ng tinig na narinig kong nagsasalita mula sa langit, “Lumapit ka sa anghel na nakatuntong sa dagat at sa lupa, at kunin mo ang hawak niyang kasulatan na nakabukas.” Nilapitan ko nga ang anghel at hiningi ang kasulatan. Sinabi niya sa akin, “Kunin mo ito at kainin; mapait iyan sa sikmura, ngunit sa iyong panlasa'y kasingtamis ng pulot-pukyutan.” Inabot ko nga at kinain ang maliit na kasulatan. Matamis nga iyon, parang pulot-pukyutan sa bibig, ngunit nang malunok ko na'y pumait ang aking sikmura. At sinabi nila sa akin, “Kailangang ipahayag mong muli ang mga ipinasasabi ng Diyos tungkol sa mga tao, bansa, wika, at mga hari.” Pagkatapos, binigyan ako ng isang panukat na parang tungkod at sinabi, “Tumayo ka at sukatin mo ang templo ng Diyos at ang dambana, at bilangin mo ang mga sumasamba roon. Ngunit huwag mo nang sukatin ang mga bulwagan sa labas ng templo, sapagkat ibinigay na iyon sa mga taong di-kumikilala sa Diyos. Hindi nila igagalang ang Banal na Lunsod sa loob ng apatnapu't dalawang buwan. Ipadadala ko ang dalawa kong saksi na nakadamit ng sako, at sa loob ng 1,260 araw ay ipahahayag nila ang mensaheng mula sa Diyos.” Ang mga saksing ito ay ang dalawang punong olibo at dalawang ilawang nakatayo sa harap ng Panginoon ng lupa. Kapag may nagtangkang manakit sa kanila, magbubuga sila ng apoy at tutupukin ang kanilang mga kaaway. Sa ganoong paraa'y mamamatay ang mga magtatangkang manakit sa kanila. May kapangyarihan silang isara ang langit upang hindi umulan sa panahon ng pagpapahayag nila ng mensaheng mula sa Diyos. May kapangyarihan din silang gawing dugo ang tubig, at magpadala ng anumang salot sa lupa tuwing naisin nila. Pagkatapos nilang magpatotoo, aahon ang halimaw na nasa bangin at makikipaglaban sa kanila. Matatalo sila at mapapatay ng halimaw, at ang kanilang bangkay ay mahahandusay sa lansangan ng dakilang lunsod, na ang patalinhagang pangalan ay Sodoma o Egipto, kung saan ipinako sa krus ang kanilang Panginoon. Sa loob ng tatlo't kalahating araw, ang kanilang mga bangkay ay panonoorin ng mga tao mula sa iba't ibang lahi, lipi, wika, at bansa, at hindi papayag ang mga ito na mailibing ang mga bangkay. Magagalak ang lahat ng tao sa sanlibutan dahil sa pagkamatay ng dalawang saksi. Magdiriwang sila at magbibigayan ng mga regalo sapagkat ang dalawang propetang iyon ay nagdulot sa kanila ng labis na kahirapan. Pagkalipas ng tatlo't kalahating araw, pumasok sa kanila ang hangin ng Diyos na nagbibigay-buhay at sila'y tumayo, at labis na nasindak ang mga nakakita sa kanila. Pagkatapos ay narinig nilang nagsalita ang isang malakas na tinig mula sa langit, “Umakyat kayo rito!” At habang nakatingin ang kanilang mga kaaway, umakyat sila sa langit habang nakasakay sa ulap. Nang oras ding iyon ay lumindol nang napakalakas at nawasak ang ikasampung bahagi ng lunsod at pitong libong tao ang namatay. Ang mga natirang tao ay natakot, at niluwalhati nila ang Diyos ng kalangitan. Natapos na ang ikalawang lagim, at malapit na ring mangyari ang ikatlo. Hinipan ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta at mula sa langit ay may malalakas na tinig na nagsabi, “Ang paghahari sa sanlibutan ay inilipat na kay Cristo na ating Panginoon. Maghahari siya magpakailanman!” At ang dalawampu't apat na matatandang nakaupo sa kani-kanilang trono sa harapan ng Diyos ay nagpatirapa at sumamba sa kanya. Sinabi nila, “Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, Diyos ng kasalukuyan, at ng nakaraan! Nagpapasalamat kami na ginamit mo ang iyong walang hanggang kapangyarihan at nagpasimula ka nang maghari! Nagngingitngit ang mga di-kumikilala sa iyo, dahil dumating na ang panahon ng iyong poot, ang paghatol sa mga patay, at pagbibigay ng gantimpala sa mga propetang lingkod mo, at sa iyong mga hinirang, sa lahat ng may takot sa iyo, dakila man o hamak. Panahon na upang lipulin mo ang mga sumira sa sanlibutan.” At nabuksan ang templo ng Diyos sa langit, at nakita ang Kaban ng Tipan sa loob nito. Pagkatapos ay gumuhit ang kidlat, dumagundong ang kulog, narinig ang malalakas na ingay, lumindol, at umulan ng yelo. Kasunod nito'y lumitaw sa langit ang isang kakaibang palatandaan; isang babaing nadaramtan ng araw at nakatuntong sa buwan: ang ulo niya'y may koronang binubuo ng labindalawang bituin. Malapit na siyang manganak kaya't napapasigaw siya dahil sa matinding hirap. Isa pang palatandaan ang lumitaw sa langit: isang pulang dragon na napakalaki. Ito'y may pitong ulo at sampung sungay, at may korona ang bawat ulo. Kinaladkad ng kanyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at inihagis ang mga iyon sa lupa. Pagkatapos, tumayo siya sa paanan ng babaing malapit nang manganak upang lamunin ang sanggol sa sandaling ito'y isilang. Ang babae ay nagsilang ng sanggol na lalaki, ngunit may umagaw sa bata at dinala ito sa Diyos, sa kanyang trono. Ang sanggol na ito ang itinakdang maghahari sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng tungkod na bakal. Ang babae naman ay tumakas papunta sa ilang, sa isang lugar na inihanda ng Diyos para sa kanya, upang maalagaan siya roon sa loob ng 1,260 araw. Pagkaraan nito'y nagkaroon ng digmaan sa langit! Pinamunuan ni Miguel ang kanyang mga anghel sa pakikipaglaban sa dragon at sa mga kampon nito. Natalo ang dragon at ang kanyang mga kampon, at pinalayas sila sa langit. Itinapon ang dambuhalang dragon, ang matandang ahas na tinatawag na Diyablo at Satanas, na nandaraya sa buong sanlibutan. Itinapon siya sa lupa kasama ang lahat ng kanyang mga kampon. At narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi, “Dumating na ang pagliligtas ng Diyos! Ipinamalas na niya ang kanyang lakas bilang Hari! Ipinamalas din ni Cristo ang kanyang kapangyarihan! Sapagkat pinalayas na sa langit ang umuusig araw at gabi sa mga kapatid natin. Nagtagumpay ang mga ito laban sa diyablo sa pamamagitan ng dugo ng Kordero at ng kanilang pagsaksi sa katotohanan sapagkat hindi nila pinanghinayangan ang kanilang buhay. Kaya't magalak ang kalangitan at lahat ng naninirahan diyan! Ngunit kalagim-lagim ang daranasin ninyo, lupa at dagat, sapagkat ang matinding poot ng diyablo ay babagsak sa inyo! Alam niyang kaunting panahon na lamang ang nalalabi sa kanya.” Nang makita ng dragon na itinapon siya sa lupa, hinabol niya ang babaing nagsilang ng sanggol na lalaki. Ngunit ang babae ay binigyan ng mga pakpak ng malaking agila upang makalipad papunta sa ilang. Doon siya itatago sa loob ng tatlo't kalahating taon upang maligtas sa pananalakay ng ahas. Kaya't ang ahas ay nagbuga ng tubig na parang ilog upang tangayin ang babae. Subalit bumuka ang lupa at hinigop ang tubig na ibinuga ng dragon, kaya't naligtas ang babae. Sa galit ng dragon, binalingan niya ang nalalabing lahi ng babae upang digmain. Ito ang mga taong sumusunod sa utos ng Diyos at nananatiling tapat sa katotohanang inihayag ni Jesus. At ang dragon ay tumayo sa dalampasigan. Pagkatapos ay nakita kong umahon sa dagat ang isang halimaw na may pitong ulo at sampung sungay. May korona ang bawat sungay nito at sa bawat ulo ay nakasulat ang mga pangalang lumalait sa Diyos. Ang halimaw ay parang leopardo, ngunit ang mga paa nito'y tulad ng mga paa ng oso, at ang bibig ay parang bunganga ng leon. Ibinigay ng dragon sa halimaw ang kanyang sariling lakas, trono at malawak na kapangyarihan. Ang isa sa mga ulo ng halimaw ay parang may sugat na halos ikamatay nito, ngunit ito'y gumaling. Namangha ang buong daigdig sa nangyaring ito, at nagsisunod sila sa halimaw. Sinamba ng lahat ng tao ang dragon sapagkat ibinigay nito ang kanyang kapangyarihan sa halimaw. Sinamba rin nila ang halimaw. “Sino ang makakatulad sa halimaw? Sino ang makakalaban sa kanya?” sabi nila. Pinahintulutang magyabang ang halimaw, manlait sa Diyos, at maghari sa loob ng apatnapu't dalawang buwan. Nilait nga niya ang Diyos, ang pangalan ng Diyos, ang tahanan ng Diyos, at ang lahat ng nakatira doon. Pinahintulutan din siyang salakayin at gapiin ang mga hinirang ng Diyos, at binigyan siya ng karapatang mamahala sa bawat lahi, lipi, wika, at bansa. Sasamba sa kanya ang lahat ng nabubuhay sa ibabaw ng lupa, maliban sa mga taong ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay magmula pa nang likhain ang sanlibutan. Ang aklat na ito'y iniingatan ng Korderong pinatay. “Ang lahat ng may pandinig ay makinig! Ang sinumang itinakdang mabihag ay mabibihag nga; ang itinakdang mamatay sa digmaan ay sa digmaan nga mamamatay. Kaya't kailangang magpakatatag at maging tapat ang mga hinirang ng Diyos.” At nakita ko ang isa pang halimaw na lumitaw sa lupa. May dalawang sungay ito na tulad ng mga sungay ng isang batang tupa, ngunit ang kanyang tinig ay parang tinig ng dragon. Ginamit niya ang lahat ng kapangyarihan ng unang halimaw upang ipatupad ang kagustuhan nito. Ang lahat ng tao sa lupa ay pinilit niyang sumamba sa unang halimaw na nasugatan nang malubha ngunit gumaling na. Kahanga-hanga ang mga kababalaghang ginawa ng pangalawang halimaw, nagpaulan siya ng apoy mula sa langit, at ito'y nasaksihan ng mga tao. Nalinlang niya ang lahat ng tao sa lupa sa pamamagitan ng mga kababalaghang kanyang ginawa sa harapan ng unang halimaw. Nahikayat niya ang mga taong gumawa ng isang larawan ng unang halimaw na nasugatan ng tabak ngunit muling gumaling. Ipinahintulot din sa kanya na bigyan niya ng buhay ang larawan ng unang halimaw. Kaya't nakapagsalita ang larawan at ipinapatay nito ang lahat ng ayaw sumamba sa kanya. Sapilitang pinatatakan ng ikalawang halimaw ang lahat ng tao sa kanilang kanang kamay o sa noo, maging sila'y dakila o hamak, mayaman o mahirap, alipin o malaya. At walang maaaring magtinda o bumili malibang sila'y may tatak ng pangalan ng halimaw o ng bilang na katumbas niyon. Kailangan dito ang karunungan: maaaring malaman ng sinumang matalino ang kahulugan ng bilang ng halimaw, sapagkat ito'y bilang ng isang tao. Ang bilang ay 666. Tumingin ako, at nakita ko ang Kordero na nakatayo sa Bundok ng Zion, kasama ang 144,000 tao. Nakasulat sa kanilang noo ang pangalan ng Kordero at ang pangalan ng kanyang Ama. At narinig ko mula sa langit ang isang tinig na sinlakas ng mga alon sa dagat at dagundong ng kulog. Ang tinig na narinig ko'y parang tugtugan ng mga alpa. Sila'y umaawit ng isang bagong awit sa harap ng trono, at sa harap ng apat na nilalang na buháy at sa harap ng mga pinuno. Walang makaunawa sa awit na iyon kundi ang 144,000 na tinubos mula sa sanlibutan. Ito ang mga lalaking nanatiling malinis at hindi nagkaroon ng anumang kaugnayan sa mga babae. Sumusunod sila sa Kordero saanman siya magpunta. Sila'y tinubos mula sa buong sangkatauhan bilang mga unang handog sa Diyos at sa Kordero. Hindi sila nagsinungaling kailanman at wala silang anumang kapintasan. Nakita ko rin ang isa pang anghel na lumilipad sa kalawakan, dala ang walang katapusang Magandang Balita upang ipahayag sa mga tao sa lupa, sa lahat ng bansa, lahi, wika, at bayan. Sinabi niya nang malakas, “Matakot kayo sa Diyos at luwalhatiin ninyo siya! Sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghatol. Sambahin ninyo ang Diyos na lumikha ng langit, lupa, dagat, at mga bukal ng tubig!” Sumunod naman ang ikalawang anghel na nagsasabi, “Bumagsak na! Bumagsak na ang makapangyarihang Babilonia! Pinainom niya ang lahat ng tao ng alak ng kanyang kahalayan!” At sumunod sa dalawa ang ikatlong anghel na sumisigaw nang malakas, “Sinumang sumasamba sa halimaw at sa larawan nito, at nagpatatak sa kanyang noo o sa kamay, ay paiinumin ng Diyos ng alak ng kanyang poot na walang halong ibinuhos sa kopa ng kanyang galit. Pahihirapan sila sa apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel at ng Kordero. Ang usok mula sa apoy na nagpapahirap sa kanila ay mag-aalab magpakailanman. Araw at gabi ay maghihirap nang walang pahinga ang mga sumamba sa halimaw at sa kanyang larawan, at ang mga natatakan ng kanyang pangalan.” Kailangang magpakatatag ang mga hinirang ng Diyos, ang mga sumusunod sa utos ng Diyos at nananatili sa pananampalataya kay Jesus. At narinig ko mula sa langit ang isang tinig, na nagsasabi, “Isulat mo, mula ngayon, mapalad ang naglilingkod sa Panginoon hanggang kamatayan!” At sinabi ng Espiritu, “Totoo nga! Matatapos na ang kanilang paghihirap sapagkat ang kanilang ginawa ang magpapatunay sa kanilang katapatan.” Tumingin uli ako, at nakita ko naman ang isang puting ulap, at nakaupo rito ang isang kamukha ng Anak ng Tao, may suot na koronang ginto at may hawak na isang matalim na karit. Isa pang anghel ang lumabas mula sa templo at malakas na nagsalita sa nakaupo sa ulap, “Gamitin mo na ang iyong karit, gumapas ka na sapagkat panahon na; hinog na ang aanihin sa lupa!” Ginamit nga ng nakaupo sa ulap ang kanyang karit, at ginapas ang dapat anihin sa lupa. At isa pang anghel ang nakita kong lumabas mula sa templo sa langit; may hawak din itong matalim na karit. Lumabas naman mula sa dambana ang isa pang anghel. Siya ang namamahala sa apoy sa dambana. Sinabi niya sa anghel na may matalim na karit, “Gamitin mo na ang iyong karit, at anihin mo ang mga ubas sa lahat ng ubasan sa lupa, sapagkat hinog na ang mga ito!” Kaya't ginamit ng anghel ang kanyang karit, inani ang mga ubas, at inihagis sa pisaan. Ang pisaang ito ay larawan ng matinding poot ng Diyos. Pinisa sa labas ng bayan ang mga ubas at mula sa pisaan ay bumaha ng dugo. Ang lawak ng baha ay umabot hanggang 300 kilometro, at ang lalim ay sintaas ng sa nguso ng kabayo. Nakita ko rin ang isa pang kagila-gilalas na pangitain sa langit: may pitong anghel na may dalang pitong salot. Ito ang mga panghuling salot sapagkat dito matatapos ang poot ng Diyos. May nakita akong parang dagat na kristal na nagliliyab. Nakita ko rin ang mga nagtagumpay laban sa halimaw at sa larawan nito, at sa nagtataglay ng bilang na katumbas ng kanyang pangalan. Nakatayo sila sa dagat na kristal, hawak ang mga alpang bigay sa kanila ng Diyos. Inaawit nila ang awit ni Moises na lingkod ng Diyos, at ang awit ng Kordero; “Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, dakila at kahanga-hanga ang iyong mga gawa! O Hari ng mga bansa, matuwid at totoo ang iyong mga paraan! Sino ang hindi matatakot sa iyo, Panginoon? Sino ang hindi magpupuri sa iyong pangalan? Ikaw lamang ang banal! Lahat ng mga bansa ay lalapit at sasamba sa iyo, sapagkat nakita ng lahat ang matuwid mong mga gawa.” Pagkatapos nito'y nakita ko ring bumukas ang templo sa langit, ang Toldang Tipanan ng Diyos at ng tao. Lumabas mula sa templo ang pitong anghel na may dalang pitong salot. Nakasuot sila ng damit na malinis at nakakasilaw sa kaputian na may gintong pamigkis sa dibdib. Ibinigay sa kanila ng isa sa apat na nilalang na buháy ang pitong mangkok na ginto na punung-puno ng poot ng Diyos, na siyang nabubuhay magpakailanman. Ang templo ay napuno ng usok na nagmumula sa kaluwalhatian at kapangyarihan ng Diyos at walang makapasok sa templo hangga't hindi natatapos ang pitong salot na dala ng pitong anghel. Mula sa templo'y narinig ko ang isang malakas na tinig na nag-uutos sa pitong anghel, “Lumakad na kayo at ibuhos ninyo sa lupa ang laman ng pitong mangkok ng poot ng Diyos.” At umalis ang unang anghel at ibinuhos sa lupa ang laman ng dala niyang mangkok. Kaya't nagkaroon ng mahahapdi at nakakapandiring pigsa ang mga taong may tatak ng halimaw at sumamba sa larawan nito. Ibinuhos ng ikalawang anghel ang laman ng kanyang mangkok sa dagat. Ang tubig nito ay naging parang dugo ng patay na tao, at namatay ang lahat ng nilikhang nabubuhay sa dagat. Ibinuhos naman ng ikatlong anghel ang laman ng kanyang mangkok sa mga ilog at mga bukal, at naging dugo rin ang mga ito. At narinig kong sinabi ng anghel na namamahala sa mga tubig, “Ikaw ang Matuwid, na nabubuhay ngayon at noong una, ang Banal, sapagkat hinatulan mo ang mga bagay na ito. Ang mga nagpadanak ng dugo ng mga hinirang ng Diyos at ng mga propeta ay binigyan mo ng dugo upang kanilang inumin. Iyan ang nararapat sa kanila!” At narinig ko mula sa dambana ang ganitong pananalita, “Oo, Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, talagang matuwid at tama ang mga hatol mo!” At ibinuhos din ng ikaapat na anghel ang laman ng dala niyang mangkok sa araw. At ito'y binigyan ng kapangyarihang sunugin ang mga tao sa tindi ng init nito. Nasunog nga sila, ngunit sa halip na magsisi at talikuran ang kanilang mga kasalanan at magpuri sa Diyos, nilapastangan pa nila ang pangalan ng Diyos na may kapangyarihang magpadala ng ganoong mga salot. Ibinuhos naman ng ikalimang anghel ang laman ng hawak niyang mangkok sa trono ng halimaw, at nagdilim ang kaharian nito. Napakagat-dila sa kirot ang mga tao, at nilapastangan nila ang Diyos dahil sa dinaranas nilang hirap at tinamong mga pigsa. Ngunit hindi rin sila nagsisi at tumalikod sa masasama nilang gawain. At ibinuhos ng ikaanim na anghel ang laman ng dala niyang mangkok sa malaking Ilog Eufrates. Natuyo ang ilog at nagkaroon ng landas para sa mga haring mula sa silangan. At nakita kong lumalabas mula sa bunganga ng dragon, at ng halimaw, at ng huwad na propeta, ang tatlong karumal-dumal na espiritung mukhang palaka. Ang mga ito'y mga espiritu ng mga demonyong gumagawa ng mga kababalaghan. Pinuntahan nila ang lahat ng hari sa daigdig upang tipunin para sa labanan sa dakilang Araw ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. “Makinig kayo! Ako'y darating na parang magnanakaw! Mapalad ang nanatiling gising at nakabihis na. Hindi siya lalakad na hubad at di mapapahiya sa harap ng mga tao!” At ang mga hari ay tinipon ng mga espiritu sa lugar na tinatawag na Armagedon sa wikang Hebreo. Pagkatapos nito, ibinuhos ng ikapitong anghel ang laman ng hawak niyang mangkok sa himpapawid. At may nagsalita nang malakas mula sa tronong nasa templo, “Naganap na!” Kumidlat, kumulog, at lumindol nang napakalakas. Ito ang pinakamalakas na lindol sa buong kasaysayan ng sangkatauhan. Nahati sa tatlong bahagi ang malaking lunsod, at nawasak ang lahat ng lunsod sa buong daigdig. Hindi nga nakaligtas sa parusa ng Diyos ang tanyag na Babilonia. Pinainom siya ng Diyos ng alak mula sa kopa ng kanyang matinding poot. Nawala ang lahat ng pulo at gumuho ang lahat ng bundok. Umulan ng malalaking tipak ng yelo na tumitimbang ng halos limampung kilo bawat isa, at nabagsakan ang mga tao. At nilapastangan ng mga tao ang Diyos dahil sa nakakapangilabot na salot na dinaranas nila. Pagkatapos, ang isa sa pitong anghel na may dalang pitong mangkok ay lumapit sa akin at sinabi niya, “Halika, ipapakita ko sa iyo kung paano paparusahan ang reyna ng kahalayan na nakaupo sa ibabaw ng maraming ilog. Ang mga hari sa lupa ay nakiapid sa babaing ito, at ang lahat ng tao sa sanlibutan ay nilasing niya sa alak ng kanyang kahalayan.” Noon ay nasa ilalim ako ng kapangyarihan ng Espiritu, at inihatid ako ng anghel sa dakong ilang. Nakita ko roon ang isang babaing nakasakay sa isang pulang halimaw. Ang halimaw ay may pitong ulo at sampung sungay. Nakasulat sa buong katawan nito ang lahat ng paglapastangan sa Diyos. Ang damit ng babae ay kulay ube at pula. Ang kanyang mga alahas ay ginto, mahahalagang bato at perlas. Hawak niya ang isang gintong kopa na puno ng kanyang kasumpa-sumpang mga gawa at kahiya-hiyang kahalayan. Nakasulat sa kanyang noo ang isang pangalang may lihim na kahulugan, “Ang tanyag na Babilonia, ang ina ng mga nangangalunya at ng lahat ng kahalayan sa lupa.” At nakita kong ang babaing ito'y lasing sa dugo ng mga hinirang at ng mga martir, ang mga pinatay dahil kay Jesus. Nanggilalas ako nang makita ko siya. “Bakit ka nanggilalas?” tanong sa akin ng anghel. “Sasabihin ko sa iyo ang kahulugan ng babae at ng sinasakyan niyang halimaw na may pitong ulo at sampung sungay. Ang halimaw na nakita mo ay buháy noong una ngunit patay na ngayon; muli itong lilitaw buhat sa banging napakalalim at tuluyang mapapahamak. Ang mga taong nabubuhay sa lupa, na ang pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay mula pa nang likhain ang sanlibutan, ay magugulat kapag nakita nila ang halimaw, sapagkat pinatay na siya ngunit muling lilitaw. “Kailangan dito ang pang-unawa at karunungan: ang pitong ulo ay ang pitong bundok na inuupuan ng babae. Inilalarawan din nito ang pitong hari: bumagsak na ang lima sa kanila, naghahari pa ang isa, at ang huli ay hindi pa dumarating. Pagdating niya, sandali lamang siyang maghahari. At ang halimaw na buháy noong una ngunit ngayo'y wala na ay isa sa pitong hari at siyang magiging ikawalo. Siya ay mapapahamak. “Ang sampung sungay na nakita mo ay sampung haring hindi pa naghahari, ngunit mamamahala silang kasama ng halimaw sa loob ng isang oras. Iisa ang layunin ng sampung ito, at ipapailalim nila sa halimaw ang kanilang kapangyarihan at karapatan. Makikidigma sila laban sa Kordero ngunit sila'y matatalo nito, sapagkat ito ang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari. Kasama niya sa tagumpay ang kanyang mga tinawag, pinili, at tapat na tagasunod.” Sinabi rin sa akin ng anghel, “Ang nakita mong mga ilog na kinauupuan ng babae ay mga lahi, mga bansa, at mga wika. Ang sampung sungay na nakita mo at ang halimaw ay mapopoot sa reyna ng kahalayan. Aagawin nila ang lahat ng ari-arian nito at iiwanan siyang hubad. Kakainin nila ang kanyang laman at susunugin ang matitira. Niloob ng Diyos na sila'y magkaisa at ipailalim nila sa halimaw ang kanilang karapatan at kapangyarihan, hanggang sa maganap ang mga salita ng Diyos. Ang babaing nakita mo ay ang tanyag na lunsod na sinusunod ng mga hari sa lupa.” Pagkatapos nito, nakita kong bumababa mula sa langit ang isang anghel na may malaking kapangyarihan. Nagliwanag ang buong daigdig dahil sa kanyang kaluwalhatian. Ubos-lakas siyang sumigaw, “Bumagsak na! Bumagsak na ang makapangyarihang Babilonia! Ngayon ay tahanan na lamang siya ng mga demonyo, bilangguan ng masasamang espiritu, ng maruruming ibon at ng marurumi at kasuklam-suklam na mga hayop. Sapagkat pinainom niya ng alak ng kanyang kahalayan ang lahat ng bansa. Nakiapid sa kanya ang mga hari sa lupa, at ang mga mangangalakal sa buong daigdig ay yumaman sa kanyang mahalay na pamumuhay.” Narinig ko mula sa langit ang isa pang tinig na nagsasabi, “Umalis ka sa Babilonia, bayan ko! Huwag kang makibahagi sa kanyang mga kasalanan, upang hindi ka maparusahang kasama niya! Sapagkat abot na hanggang langit ang mga kasalanan niya, at hindi nalilimutan ng Diyos ang kanyang kasamaan. Gawin ninyo sa kanya ang ginawa niya sa inyo, gumanti kayo nang higit pa sa kanyang ginawa. Punuin ninyo ang kanyang kopa ng inuming higit na mapait kaysa inihanda niya sa inyo. Kung paano siya nagmataas at nagpasasa sa kalayawan, palasapin ninyo siya ng ganoon ding pahirap at kapighatian. Sapagkat lagi niyang sinasabi, ‘Reyna akong tinatanghal! Hindi ako biyuda, hindi ako daranas ng kasawian kailanman!’ Dahil dito, sabay-sabay na daragsa sa kanya ang mga salot sa loob ng isang araw: sakit, dalamhati, at taggutom; at tutupukin siya ng apoy. Sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Diyos na humahatol sa kanya.” Tatangis at iiyak ang mga haring nakiapid sa kanya at nagpasasa sa kalayawan sa piling niya, habang tinatanaw nila ang usok ng nasusunog na lunsod. Tatayo lang sila sa malayo sapagkat takot silang madamay sa dinaranas niyang parusa. Sasabihin nila, “Kalagim-lagim! Kalagim-lagim ang dakilang Babilonia, ang matatag na lunsod! Sa loob lamang ng isang oras ay naganap ang parusa sa dakila at makapangyarihang lunsod ng Babilonia!” Dahil sa kanya'y tatangis din at magdadalamhati ang mga mangangalakal sa daigdig, sapagkat wala nang bibili ng kanilang paninda. Wala nang bibili ng kanilang mga ginto, pilak, alahas at perlas, mga linen, seda, telang kulay ube at pula, lahat ng uri ng mabangong kahoy, mga kagamitang yari sa pangil ng elepante, mamahaling kahoy, tanso, bakal, at marmol. Wala nang bibili ng kanilang sinamon at mga pampalasa, kamanyang, mira at insenso, alak at langis, harina at trigo, mga baka at tupa, mga kabayo at karwahe, mga alipin, at pati buhay ng tao. “Wala na ang lahat ng mga bagay na hinangad mo. Ang lahat ng kayamanan mo, pati na ang iyong kagandahan ay napahamak kasama mo at hindi na masisilayan ng mga tao kailanman!” Hindi lalapit ang mga mangangalakal na yumaman sa lunsod na iyon sapagkat takot silang madamay sa kanyang paghihirap. Tatangis sila at magdadalamhati. Sasabihin nila, “Nakakapangilabot ang nangyari sa tanyag na lunsod! Dati'y nadaramtan siya ng lino at telang kulay ube at pula, at napapalamutian ng mga alahas, ginto at perlas! Sa loob lamang ng isang oras ay naglahong lahat iyon!” Mula sa malayo ay tumanaw ang mga kapitan, mga pasahero, at mga tripulante ng mga sasakyang pandagat, at lahat ng nabubuhay sa pagdaragat, at tinangisan nila ang nasusunog na lunsod habang minamasdan ang usok na nagmumula roon, “Walang katulad ang katanyagan ng lunsod na iyon!” Nagsabog sila ng abo sa kanilang ulo at nanangis, “Kalagim-lagim! Kalagim-lagim ang nangyari sa dakilang lunsod! Yumaman ang lahat ng tumigil sa kanyang daungan! Ngunit sa loob lamang ng isang oras ay nawalan ng kabuluhan!” Magalak ka, o langit, sa nangyari sa kanya! Magalak kayo, mga hinirang ng Diyos, mga apostol at mga propeta sapagkat hinatulan na siya ng Diyos dahil sa ginawa niya sa inyo! Isang makapangyarihang anghel ang bumuhat ng isang batong sinlaki ng gilingang-bato. Ubos-lakas niyang inihagis iyon sa dagat, at sinabi, “Ganito ibabagsak ang tanyag na lunsod ng Babilonia, at hindi na siya makikitang muli! Hindi na maririnig sa kanya ang tinig ng mga mang-aawit at ang himig ng mga tugtugan ng alpa, plauta at trumpeta! Wala nang makikita sa kanyang mga dalubhasa at hindi na maririnig ang ingay ng mga gilingan! Wala nang kahit isang ilaw na magliliwanag sa kanya. Hindi na maririnig ang masasayang tinig ng mga ikinakasal. Sapagkat naging makapangyarihan sa buong daigdig ang kanyang mangangalakal at dinaya niya ang lahat ng bansa sa pamamagitan ng pangkukulam.” Pinarusahan siya sapagkat pinadanak niya ang dugo ng mga propeta, mga hinirang, at ng lahat ng pinatay sa sanlibutan. Pagkatapos nito, narinig ko ang tila sama-samang tinig ng napakaraming tao sa langit na umaawit ng ganito, “Purihin ang Panginoon! Ang kaligtasan, ang karangalan at ang kapangyarihan ay tanging sa Diyos lamang! Matuwid at tama ang kanyang hatol! Hinatulan niya ang reyna ng kahalayan na nagpapasamâ sa mga tao sa lupa sa pamamagitan ng kanyang kahalayan. Pinarusahan siya ng Diyos dahil sa pagpatay niya sa mga lingkod ng Panginoon!” Muli silang umawit, “Purihin ang Panginoon! Walang tigil na tataas ang usok na mula sa nasusunog na lunsod!” Ang dalawampu't apat na pinuno at ang apat na nilalang na buháy ay nagpatirapa at sumamba sa Diyos na nakaupo sa trono. Sabi nila, “Amen! Purihin ang Panginoon!” May nagsalita mula sa trono, “Purihin ninyo ang ating Diyos, kayong lahat na mga lingkod niya, dakila o hamak man, kayong may banal na takot sa kanya!” Pagkatapos ay narinig ko ang parang sama-samang tinig ng napakaraming tao, parang ugong ng malaking talon at dagundong ng mga kulog. Ganito ang sabi ng tinig, “Purihin ang Panginoon! Sapagkat naghahari ang Panginoon nating Diyos na Makapangyarihan sa lahat! Magalak tayo at magsaya! Luwalhatiin natin siya sapagkat nalalapit na ang kasal ng Kordero. Nakahanda na ang kasintahang babae; nabihisan na siya ng malinis at puting-puting lino.” Ang lino ay sagisag ng mabubuting gawa ng mga hinirang ng Diyos. At sinabi sa akin ng anghel, “Isulat mo ito: mapalad ang mga inanyayahan sa kasalan ng Kordero.” Idinugtong pa niya, “Ito ay tunay na mga salita ng Diyos.” Nagpatirapa ako sa kanyang paanan upang sambahin siya, ngunit sinabi niya sa akin, “Huwag! Ako ma'y alipin ding tulad mo at tulad ng ibang mga mananampalatayang nagpatotoo tungkol kay Jesus. Ang Diyos ang sambahin mo, sapagkat ang katotohanang ipinahayag ni Jesus ay siyang diwa ng lahat ng ipinahayag ng mga propeta!” Pagkaraan nito'y nabuksan ang langit, at nakita ko ang isang kabayong puti. Ang sakay nito'y tinawag na Tapat at Totoo, sapagkat matuwid siyang humatol at makipagdigma. Parang nagliliyab na apoy ang kanyang mga mata, at napuputungan siya ng maraming korona. Nakasulat sa kanyang katawan ang pangalan niya, ngunit siya lamang ang nakakaalam ng kahulugan niyon. Puno ng dugo ang kanyang kasuotan at ang tawag sa kanya ay “Salita ng Diyos.” Sumusunod sa kanya ang mga hukbo ng langit, na nakadamit ng malinis at puting lino at nakasakay rin sa mga kabayong puti. May matalim na tabak na lumabas sa kanyang bibig upang gamitin niyang panlupig sa mga bansa. Mamamahala siya sa mga ito sa pamamagitan ng tungkod na bakal at paaagusin mula sa pisaan ng ubas ang alak ng poot ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. Nakasulat sa kanyang kasuotan at sa kanyang hita ang ganitong pangalan: “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.” Nakita ko naman ang isang anghel na nakatayo sa araw. Tinawag niya ang mga ibon sa himpapawid, “Halikayo, at magkatipon sa malaking handaan ng Diyos! Kainin ninyo ang laman ng mga hari, ng mga kapitan, ng mga kawal, ng mga kabayo at ng kanilang mga sakay. Kainin din ninyo ang laman ng lahat ng tao, alipin at malaya, hamak at dakila!” At nakita kong nagkatipon ang halimaw at ang mga hari sa lupa, kasama ang kanilang mga hukbo upang kalabanin ang nakasakay sa kabayo at ang hukbo nito. Nabihag ang halimaw, gayundin ang huwad na propeta na gumawa ng mga kababalaghan sa harap ng halimaw upang dayain ang mga taong may tanda ng halimaw at sumamba sa larawan nito. Ang halimaw at ang huwad na propeta ay inihagis nang buháy sa lawa ng apoy na nagliliyab sa asupre. Ang kanilang mga hukbo ay pinatay sa pamamagitan ng tabak na lumabas sa bibig ng nakasakay sa kabayo. Nabusog nang husto ang mga ibon sa pagkain ng kanilang mga bangkay. Pagkatapos nito'y nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit, hawak ang isang malaking kadena at ang susi ng bangin na walang kasing-lalim. Sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas na walang iba kundi ang Diyablo o Satanas, at ginapos ito sa loob ng sanlibong taon. Ito'y inihagis ng anghel sa bangin na walang kasing-lalim, saka isinara at tinatakan ang pinto nito upang hindi siya makalabas at makapandaya pa sa mga bansa hangga't hindi natatapos ang sanlibong taon. Pagkatapos nito'y palalayain siya sa loob ng maikling panahon. At nakakita ako ng mga trono, at ang mga nakaupo doon ay binigyan ng karapatang humatol. Nakita ko rin ang mga kaluluwa ng mga taong pinugutan dahil sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus at sa pagpapahayag ng salita ng Diyos. Hindi sila sumamba sa halimaw ni sa larawan nito, ni tumanggap man ng tatak ng halimaw sa kanilang noo o kamay. Binuhay sila upang magharing kasama ni Cristo sa loob ng sanlibong taon. Ito ang unang pagbuhay sa mga patay. Ang iba pang mga patay ay bubuhayin din pagkaraan ng sanlibong taon. Mapalad at lubos na pinagpala ang mga nakasama sa unang pagbuhay sa mga patay. Walang kapangyarihan sa kanila ang pangalawang kamatayan; sila'y magiging mga pari ng Diyos at ni Cristo, at maghahari silang kasama niya sa loob ng sanlibong taon. Pagkatapos ng sanlibong taon ay palalayain si Satanas mula sa kanyang pagkabilanggo. Lalabas siya at dadayain ang mga bansa sa buong mundo, ang Gog at Magog. Titipunin niya ang mga ito at isasama sa pakikipagdigma. Ang hukbong ito ay magiging sindami ng buhangin sa tabing-dagat. Kumalat sila sa buong mundo at pinaligiran ang kampo ng mga hinirang ng Diyos at ang pinakamamahal na lunsod. Ngunit umulan ng apoy mula sa langit at tinupok ang mga kampon ni Satanas. At ang Diyablong nandaya sa kanila ay itinapon sa dagat na apoy at asupre na pinagtapunan din sa halimaw at sa huwad na propeta; magkakasama silang pahihirapan, araw at gabi, magpakailanman. Pagkatapos nito'y nakita ko ang isang malaking tronong puti at ang nakaupo doon. Naglaho ang lupa't langit sa kanyang harapan, at hindi na nakita pang muli. Nakita kong nakatayo sa harap ng trono ang mga namatay, maging dakila at hamak, at binuksan ang mga aklat. Binuksan ang isa pang aklat, ang aklat ng buhay. Hinatulan ang mga patay ayon sa kanilang ginawa, batay sa nakasulat sa mga aklat. Iniluwa ng dagat ang mga patay na naroroon. Iniluwa din ng Kamatayan at ng daigdig ng mga patay ang mga nakalagak sa kanila. Hinatulan ang lahat ayon sa kanilang mga ginawa. Pagkatapos ay itinapon din sa lawa ng apoy ang Kamatayan at ang daigdig ng mga patay. Ang lawa ng apoy ay ang pangalawang kamatayan. Itinapon sa lawa ng apoy ang sinumang hindi nakasulat ang pangalan sa aklat ng buhay. Pagkatapos nito, nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong daigdig. Wala na ang dating langit at daigdig, wala na rin ang dagat. At nakita ko ang Banal na Lunsod, ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos, gaya ng isang babaing ikakasal. Maganda ang bihis at handa na siya sa pagsalubong sa lalaking kanyang mapapangasawa. Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono, “Tingnan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Maninirahan siyang kasama nila, at sila'y magiging bayan niya. Makakapiling nilang palagi ang Diyos at siya ang magiging Diyos nila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang dating mga bagay.” Pagkatapos ay sinabi ng nakaupo sa trono, “Pagmasdan ninyo, binabago ko na ang lahat ng bagay!” At sinabi niya sa akin, “Isulat mo, maaasahan at totoo ang mga salitang ito.” Sinabi pa rin niya sa akin, “Naganap na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas. Ang sinumang nauuhaw ay bibigyan ng tubig na walang bayad na mula sa bukal na nagbibigay-buhay; ito ang makakamtan ng magtatagumpay. At ako'y magiging Diyos niya at siya nama'y magiging anak ko. Subalit malagim ang kasasapitan ng mga duwag, ng mga taksil, ng mga nagpapasasa sa kasuklam-suklam na kahalayan, ng mga mamamatay-tao, ng mga nakikiapid, ng mga mangkukulam, ng mga sumasamba sa diyus-diyosan, at lahat ng mga sinungaling. Ang magiging bahagi nila'y sa lawa ng nagliliyab na asupre. Ito ang pangalawang kamatayan.” Ang isa sa pitong anghel na may dalang pitong mangkok na puno ng pitong huling salot ay lumapit sa akin. Sabi niya, “Halika, at ipapakita ko sa iyo ang babaing mapapangasawa ng Kordero.” Napasailalim ako sa kapangyarihan ng Espiritu, at ako'y dinala ng anghel sa ibabaw ng isang napakataas na bundok. Ipinakita niya sa akin ang Jerusalem, ang Banal na Lunsod, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos. Nagliliwanag ito dahil sa kaluwalhatian ng Diyos; kumikislap na parang batong hiyas, gaya ng jasper, ng diamanteng sinlinaw ng kristal. Ang pader nito'y makapal, mataas at may labindalawang pinto, at sa bawat pinto ay may bantay na anghel. Nakasulat sa mga pinto ang pangalan ng labindalawang lipi ng Israel. May tatlong pinto ang bawat panig: tatlo sa silangan, tatlo sa timog, tatlo sa hilaga, at tatlo sa kanluran. Ang pader ng lunsod ay may labindalawang pundasyon at nakasulat dito ang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero. Ang anghel na nagsalita sa akin ay may hawak na gintong panukat upang sukatin ang lunsod, gayundin ang mga pinto at ang pader nito. Parisukat ang ayos ng lunsod, kung ano ang haba, ganoon din ang luwang. Sinukat ng anghel ang lunsod, at ang lumabas na sukat ng lunsod ay 2,400 kilometro ang haba at ang luwang, gayundin ang taas. Sinukat din niya ang pader at animnapu't limang metro naman ang taas nito, ayon sa panukat na dala ng anghel. Batong jasper ang pader, at ang lunsod ay lantay na gintong kumikinang na parang kristal. Ang saligan ng pader ay puno ng lahat ng uri ng mahahalagang bato. Jasper ang una, safiro ang ikalawa, kalsedonia ang ikatlo, esmeralda ang ikaapat, onise ang ikalima, kornalina ang ikaanim, krisolito ang ikapito, berilo ang ikawalo, topaz ang ikasiyam, krisopraso ang ikasampu, hasinto ang ikalabing isa, at amatista ang ikalabindalawa. Perlas ang labindalawang pinto, bawat pinto ay yari sa iisang perlas. Purong ginto ang lansangan ng lunsod at kumikinang na parang kristal. Napansin ko na walang templo sa lunsod sapagkat ang nagsisilbing templo roon ay ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero. Hindi na kailangan ang araw o ang buwan upang bigyang liwanag ang lunsod, sapagkat ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagbibigay ng liwanag doon; ang Kordero naman ang siyang ilawan. Sa liwanag nito'y lalakad ang lahat ng tao, at dadalhin doon ng mga hari sa lupa ang kanilang kayamanan. Mananatiling bukás sa buong maghapon ang mga pinto ng lunsod sapagkat hindi na sasapit doon ang gabi. Dadalhin sa lunsod ang yaman at dangal ng mga bansa, ngunit hindi makakapasok doon ang anumang bagay na marumi sa paningin ng Diyos. Ito'y ang mga gumagawa ng masama at ang mga sinungaling. Ang mga tao lamang na ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay na iniingatan ng Kordero ang siyang makakapasok sa lunsod. Ipinakita rin sa akin ng anghel ang ilog ng tubig na nagbibigay-buhay. Ang tubig nito na sinlinaw ng kristal ay bumubukal mula sa trono ng Diyos at ng Kordero, at umaagos sa gitna ng lansangan ng lunsod. Sa magkabilang panig ng ilog ay may punongkahoy na nagbibigay-buhay. Ang bunga nito'y iba-iba bawat buwan, at nakapagpapagaling naman sa sakit ng mga tao ang mga dahon nito. Wala roong makikitang anumang isinumpa ng Diyos. Makikita sa lunsod ang trono ng Diyos at ng Kordero, at sasambahin siya ng kanyang mga lingkod. Makikita nila ang kanyang mukha, at masusulat sa kanilang noo ang kanyang pangalan. Doo'y wala nang gabi, kaya't hindi na sila mangangailangan pa ng mga ilaw o ng liwanag ng araw, sapagkat ang Panginoong Diyos ang magiging ilaw nila, at maghahari sila magpakailanman. At sinabi sa akin ng anghel, “Maaasahan at totoo ang mga salitang ito. Ang Panginoong Diyos, na nagkaloob ng kanyang Espiritu sa mga propeta, ang siyang nagsugo sa kanyang anghel upang ihayag sa mga lingkod niya ang mga bagay na magaganap sa lalong madaling panahon.” At sinabi ni Jesus, “Makinig kayo! Darating na ako! Mapalad ang tumutupad sa mga propesiya na nilalaman ng aklat na ito!” Akong si Juan ang nakarinig at nakakita sa lahat ng ito. Matapos kong marinig at makita ang lahat, ako'y nagpatirapa sa paanan ng anghel na nagpakita sa akin ng mga ito upang siya'y sambahin. Ngunit sinabi niya, “Huwag! Ako ma'y alipin ding tulad mo, at tulad din ng iyong mga kapatid na propeta at ng lahat ng sumusunod sa mga salita sa aklat na ito. Ang Diyos ang sambahin mo!” At sinabi rin niya sa akin, “Huwag mong ililihim ang mga propesiya na nasa aklat na ito, sapagkat malapit nang maganap ang mga ito. Magpatuloy sa pagpapakasama ang masasama, magpatuloy sa pagpapakarumi ang marurumi, ngunit ang mabubuti ay magpatuloy sa pagpapakabuti at ang banal sa pagpapakabanal.” At sinabi ni Jesus, “Makinig kayo! Darating na ako! Dala ko ang mga gantimpalang ibibigay sa bawat isa ayon sa kanyang ginawa! Ako ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang simula at ang wakas.” Mapapalad ang naglilinis ng kanilang kasuotan sapagkat bibigyan sila ng karapatang pumasok sa lunsod at kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay. Subalit maiiwan sa labas ng lunsod ang mga asal-aso, ang mga mangkukulam, ang mga nakikiapid, ang mga mamamatay-tao, ang mga sumasamba sa diyus-diyosan, at ang mga sinungaling sa salita at sa gawa. “Akong si Jesus ang nagsugo sa aking anghel upang ang mga bagay na ito'y ipahayag sa inyo na nasa mga iglesya. Ako'y mula sa angkan ni David; ako ang maningning na bituin sa umaga.” Sinasabi ng Espiritu at ng babaing ikakasal, “Halikayo!” Lahat ng nakakarinig nito ay magsabi rin, “Halikayo!” Lumapit ang sinumang nauuhaw; kumuha ang may gusto ng tubig na nagbibigay-buhay; ito'y walang bayad. Akong si Juan ay nagbibigay ng babala sa sinumang makarinig sa mga propesiya na nasa aklat na ito; ang sinumang magdaragdag sa nilalaman ng aklat na ito ay daragdagan ng Diyos ng parusa; idaragdag sa kanya ang mga salot na nakasulat dito. Ang sinumang mag-alis ng anuman sa mga propesiyang naririto ay aalisan naman ng Diyos ng karapatan sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay at sa Banal na Lunsod na binabanggit dito. Sinasabi ng nagpapatotoo sa lahat ng ito, “Tiyak na nga! Darating na ako!” Sana'y dumating ka na, Panginoong Jesus! Nawa'y makamtan ng lahat ang pagpapala ng Panginoong Jesus. Amen.