Ito ang talaan ng mga ninuno ni Jesu-Cristo na mula sa angkan ni David na mula naman sa lahi ni Abraham. Samakatuwid, may labing-apat na salinlahi mula kay Abraham hanggang kay David, labing-apat mula kay David hanggang sa pagkabihag ng mga Israelita sa Babilonia at labing-apat din mula sa pagkabihag sa Babilonia hanggang kay Cristo. Ito ang naganap nang ipanganak si Jesu-Cristo. Si Maria na kanyang ina at si Jose ay nakatakda nang magpakasal. Ngunit bago sila makasal, nagdadalang-tao na si Maria sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Subalit dahil isang matuwid na tao si Jose na kanyang mapapangasawa, at ayaw nitong malagay sa kahihiyan si Maria, binalak niyang hiwalayan si Maria nang palihim. Ngunit habang pinag-iisipan ito ni Jose, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria, sapagkat ang sanggol na dinadala niya ay mula sa Espiritu Santo. Magsisilang siya ng isang batang lalaki at Jesus ang ipapangalan mo sa sanggol sapagkat ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.” Nangyari nga ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, “Maglilihi ang isang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki, at tatawagin itong Emmanuel” (ang kahulugan nito'y “Kasama natin ang Diyos”). Nang magising si Jose, sinunod niya ang utos ng anghel ng Panginoon at pinakasalan niya si Maria. Ngunit hindi niya sinipingan si Maria hanggang magsilang ito ng isang anak na lalaki. At Jesus nga ang ipinangalan ni Jose sa sanggol. Panahon ng paghahari ni Herodes sa Judea nang ipanganak si Jesus sa Bethlehem. May mga pantas mula pa sa silangan na dumating sa Jerusalem. Nagtanung-tanong sila, “Nasaan ang ipinanganak na hari ng mga Judio? Nakita namin sa silangan ang kanyang bituin, kaya't naparito kami upang siya'y sambahin.” Nang mabalitaan ito ni Haring Herodes, siya'y naligalig, gayundin ang buong Jerusalem. Kaya't tinipon niya ang lahat ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan at sila'y tinanong, “Saan ba isisilang ang Cristo?” Tumugon sila, “Sa Bethlehem po, sapagkat ganito ang isinulat ng propeta: ‘At Ikaw, Bethlehem, sa lupain ng Juda, ay hindi pinakahamak sa mga pangunahing bayan ng Juda. Sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinuno na mamamahala sa aking bayang Israel.’” Nang mabatid ito, palihim na ipinatawag ni Herodes ang mga pantas at inusisa kung kailan lumitaw ang bituin. Pagkatapos, sila ay pinapunta niya sa Bethlehem na ganito ang bilin, “Hanapin ninyong mabuti ang sanggol. Kapag natagpuan ninyo siya, ipagbigay-alam agad ninyo sa akin upang ako man ay pumunta roon at sumamba rin sa kanya.” Pagkarinig sa bilin ng hari, sila'y nagpatuloy sa paghahanap. Ang bituin na nanguna sa kanila mula pa sa silangan ay tumigil sa tapat ng kinaroroonan ng bata. Ganoon na lamang ang kanilang kagalakan nang makita ang bituin. Pagpasok sa bahay, nakita nila ang bata sa piling ni Maria na kanyang ina. Nagpatirapa sila at sinamba ang bata. Inihandog din nila sa kanya ang mga dala nilang ginto, insenso at mira. Nang papauwi na ang mga pantas, nakatanggap sila ng babala sa pamamagitan ng panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes, kaya't nag-iba na sila ng daan pauwi. Pagkaalis ng mga pantas, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon. Sinabi nito sa kanya, “Bumangon ka't dalhin mo agad sa Egipto ang iyong mag-ina. At huwag kayong aalis doon hangga't hindi ko sinasabi sapagkat hahanapin ni Herodes ang bata upang patayin.” Bumangon nga si Jose at nang gabi ring iyon, dinala niya sa Egipto ang kanyang mag-ina. Doon sila nanirahan hanggang sa mamatay si Herodes. Sa gayon, natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta: “Tinawag ko ang aking anak mula sa Egipto.” Galit na galit si Herodes nang malaman niyang nilinlang siya ng mga pantas. Kaya't ipinapatay niya ang lahat ng batang lalaki sa Bethlehem at sa palibot nito mula sa gulang na dalawang taon pababa, batay sa panahong sinabi sa kanya ng mga pantas. Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Jeremias: “Narinig sa Rama ang isang tinig, tinig ng pananangis at ng malakas na panaghoy. Tinatangisan ni Raquel ang kanyang mga anak. Ayaw niyang paaliw sapagkat patay na sila.” Pagkamatay ni Herodes, nagpakita kay Jose sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon habang siya'y nasa Egipto. Sinabi sa kanya ng anghel, “Bumangon ka. Dalhin mo na sa Israel ang iyong mag-ina sapagkat patay na ang mga nagtatangka sa buhay ng bata.” Kaya't bumangon nga si Jose at dinala sa Israel ang kanyang mag-ina. Ngunit nang mabalitaan niyang naghahari sa Judea si Arquelao na anak ni Herodes, natakot siyang pumunta roon. At dahil binigyan siya ng babala sa kanyang panaginip, sila ay tumuloy sa Galilea, at doon nanirahan sa bayan ng Nazaret. Sa gayon, natupad ang sinabi ng mga propeta: “Siya'y tatawaging Nazareno.” Nang mga panahong iyon, dumating si Juan na Tagapagbautismo sa ilang ng Judea at nagsimulang mangaral. Ganito ang kanyang sinasabi, “Magsisi kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit!” Si Juan ang tinutukoy ni Propeta Isaias nang sabihin niya, “Ito ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang: ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!’” Gawa sa balahibo ng kamelyo ang damit ni Juan at sa balat naman ng hayop ang kanyang sinturon. Ang kanya namang pagkain ay balang at pulot-pukyutan. Dinarayo siya ng mga tao mula sa Jerusalem, sa buong Judea at sa magkabilang panig ng Ilog Jordan. Ipinapahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y binautismuhan niya sa Ilog Jordan. Nang makita niyang lumalapit din sa kanya ang maraming Pariseo at mga Saduseo upang magpabautismo, sinabi niya sa kanila, “Lahi ng mga ulupong! Akala ba ninyo'y makakatakas kayo sa parusa ng Diyos? Patunayan muna ninyo sa inyong mga buhay na kayo'y talagang nagsisisi, at huwag ninyong akalain na makakaiwas kayo sa parusa ng Diyos dahil sinasabi ninyong ama ninyo si Abraham. Sinasabi ko sa inyo na kahit sa mga batong ito ay makakalikha ang Diyos ng mga anak ni Abraham. Ngayon pa lamang ay nakaamba na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy; ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy. “Binabautismuhan ko kayo sa tubig bilang patunay ng inyong pagsisisi at pagtalikod sa kasalanan. Ngunit ang darating na kasunod ko ay magbabautismo sa inyo sa Espiritu Santo at sa apoy. Higit siyang makapangyarihan kaysa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat magdala ng kanyang sandalyas. Hawak na niya ang kanyang kalaykay upang alisin ang dayami. Titipunin niya sa kamalig ang trigo ngunit ang ipa ay susunugin sa apoy na di mamamatay kailanman.” Dumating si Jesus sa Ilog Jordan mula sa Galilea upang magpabautismo kay Juan. Ngunit tinangka ni Juan na pigilan siya at sinabi, “Ako po ang dapat magpabautismo sa inyo! Bakit kayo nagpapabautismo sa akin?” Subalit sumagot si Jesus, “Hayaan mong ito ang mangyari ngayon, sapagkat ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Diyos.” Kaya't pumayag din si Juan. Nang mabautismuhan si Jesus, kaagad siyang umahon sa tubig. Nabuksan ang langit at nakita ni Jesus ang Espiritu ng Diyos na bumababang parang isang kalapati at dumapo sa kanya. At isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan!” Pagkatapos, si Jesus ay dinala ng Espiritu sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. Siya'y nag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi kaya't siya'y nagutom. Dumating ang diyablo at sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, gawin mo ngang tinapay ang mga batong ito.” Ngunit sumagot si Jesus, “Nasusulat, ‘Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos.’” Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa Jerusalem, ang banal na lungsod, at pinatayo sa taluktok ng Templo. Sinabi nito sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka, sapagkat nasusulat, ‘Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin, at sa kanilang mga kamay, ika'y aalalayan, nang sa mga bato, paa mo'y hindi masaktan.’” Ngunit sumagot si Jesus, “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong susubukin ang Panginoon mong Diyos.’” Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa daigdig at ang karangyaan ng mga ito. Sinabi ng diyablo sa kanya, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito kung magpapatirapa ka at sasamba sa akin.” Kaya't sumagot si Jesus, “Lumayas ka Satanas! Sapagkat nasusulat, ‘Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin. At siya lamang ang dapat mong paglingkuran.’” Pagkatapos, iniwan na siya ng diyablo. Dumating naman ang mga anghel at siya'y pinaglingkuran nila. Nang mabalitaan ni Jesus na ibinilanggo si Juan, bumalik siya sa Galilea. Ngunit hindi na siya sa Nazaret nanirahan, kundi sa bayan ng Capernaum na nasa baybayin ng Lawa ng Galilea na sakop ng Zebulun at Neftali. Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias, “Lupain ng Zebulun at lupain ng Neftali, daanang papunta sa lawa, sa ibayo ng Jordan, sa Galilea ng mga Hentil! Ang mga taong nasa kadiliman ay nakakita ng maningning na ilaw! Sa mga nakatira sa lilim ng kamatayan ay sumikat ang liwanag.” Magmula noon ay nangaral si Jesus. Itinuturo niyang, “Magsisi kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit.” Minsan, naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Nakita niyang naghahagis ng lambat sa lawa ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag ding Pedro, at ang kapatid niyang si Andres. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mangingisda ng mga tao.” Noon di'y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Jesus. Nagpatuloy siya ng paglalakad at nakita rin niya ang magkapatid na Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa bangka kasama ng kanilang ama, at nag-aayos ng lambat. Tinawag din sila ni Jesus. Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Jesus. Nilibot ni Jesus ang buong Galilea. Nagtuturo siya sa mga sinagoga at ipinapangaral ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinapagaling din niya ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman ng mga tao. Ang balita tungkol sa kanya ay kumalat sa buong Siria kaya't dinadala sa kanya ang lahat ng maysakit at mga nahihirapan dahil sa iba't ibang karamdaman, mga sinasapian ng mga demonyo, mga may epilepsya at mga paralitiko. Silang lahat ay kanyang pinagaling. Dahil dito, sinusundan siya ng napakaraming tao buhat sa Galilea, sa Decapolis, Jerusalem, Judea, at maging sa ibayo ng Jordan. Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, umakyat siya sa bundok. Pagkaupo niya lumapit ang kanyang mga alagad at siya'y nagsimulang magturo sa kanila. “Pinagpala ang mga taong walang inaasahan kundi ang Diyos, sapagkat kabilang sila sa kaharian ng langit. “Pinagpala ang mga nagdadalamhati, sapagkat aaliwin sila ng Diyos. “Pinagpala ang mga mapagpakumbaba, sapagkat mamanahin nila ang daigdig. “Pinagpala ang mga may matinding hangarin na sumunod sa kalooban ng Diyos, sapagkat sila'y bibigyang kasiyahan ng Diyos. “Pinagpala ang mga mahabagin, sapagkat kahahabagan sila ng Diyos. “Pinagpala ang mga may malinis na puso, sapagkat makikita nila ang Diyos. “Pinagpala ang mga gumagawa ng paraan para sa kapayapaan, sapagkat sila'y ituturing na mga anak ng Diyos. “Pinagpala ang mga inuusig nang dahil sa kanilang pagsunod sa kalooban ng Diyos, sapagkat kabilang sila sa kaharian ng langit. “Pinagpala ang mga nilalait at inuusig ng mga tao, at pinaparatangan ng lahat ng uri ng kasamaan [na pawang kasinungalingan] nang dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Alalahanin ninyong inusig din ang mga propetang nauna sa inyo.” “Kayo ang asin ng sangkatauhan. Ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Hindi ba wala na itong kabuluhan kundi ang itapon at tapakan ng mga tao? “Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Ang isang lungsod na nakatayo sa ibabaw ng burol ay hindi maitatago. Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay inilalagay iyon sa ilalim ng banga. Sa halip, inilalagay iyon sa talagang patungan upang matanglawan ang lahat ng nasa bahay. Gayundin naman, dapat ninyong paliwanagin ang inyong ilaw sa harap ng mga tao upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at papurihan ang inyong Ama na nasa langit.” “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang ipawalang-bisa ang Kautusan at ang mga Propeta. Naparito ako hindi upang ipawalang-bisa ang mga iyon kundi upang tuparin. Tandaan ninyo: maglalaho ang langit at ang lupa, ngunit ni isang tuldok o kudlit man ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga't hindi natutupad ang lahat. Kaya't sinumang magpawalang-bisa sa kaliit-liitang bahagi nito, at magturo nang gayon sa mga tao, ay magiging pinakamababa sa kaharian ng langit. Ngunit ang sumusunod sa Kautusan at nagtuturo sa mga tao na tuparin iyon ay magiging dakila sa kaharian ng langit. Sinasabi ko sa inyo, kung ang pagsunod ninyo sa kalooban ng Diyos ay tulad lamang ng pagsunod ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit.” “Narinig ninyo na sinabi sa inyong mga ninuno, ‘Huwag kang papatay; ang sinumang pumatay ay mananagot sa hukuman.’ Ngunit sinasabi ko naman sa inyo, ang sinumang napopoot sa kanyang kapatid ay mananagot sa hukuman, ang humahamak sa kanyang kapatid ay mananagot sa Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, at sinumang magsabi sa kanyang kapatid, ‘Ulol ka!’ ay manganganib na maparusahan sa apoy ng impiyerno. Kaya't kung mag-aalay ka ng handog sa dambana para sa Diyos at naalala mong may sama ng loob sa iyo ang iyong kapatid, iwan mo muna ang iyong handog sa harap ng dambana at makipagkasundo ka sa kanya. Pagkatapos, magbalik ka at maghandog sa Diyos. “Kung may ibig magsakdal sa iyo, makipag-ayos ka agad sa kanya bago makarating sa hukuman ang inyong kaso. Kung hindi ay dadalhin ka niya sa hukom, at ibibigay ka nito sa tanod, at ikukulong ka naman sa bilangguan. Tandaan mo: hindi ka makakalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang barya na dapat mong bayaran.” “Narinig ninyong sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, ang sinumang tumingin sa isang babae nang may pagnanasa ay nangangalunya na sa babaing iyon sa kanyang puso. Kung ang kanang mata mo ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno. Kung ang iyong kanang kamay naman ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito at itapon! Mabuti pang mawalan ka ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa ang buo mong katawan ang itapon sa impiyerno.” “Sinabi rin naman, ‘Kapag makikipaghiwalay ang isang lalaki sa kanyang asawa, ito'y dapat niyang bigyan ng kasulatan ng paghihiwalay.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, kapag nakipaghiwalay ang isang lalaki sa kanyang asawa, maliban kung ito ay nakikiapid, itinutulak niya ang kanyang asawa sa pangangalunya, at sinumang makipag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya.” “Narinig din ninyong sinabi sa inyong mga ninuno, ‘Huwag kang susumpa nang walang katotohanan; sa halip, tuparin mo ang iyong sinumpaang panata sa Panginoon.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag kayong manunumpa kapag kayo'y nangangako. Huwag ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang langit,’ sapagkat ito'y trono ng Diyos; o kaya'y, ‘Saksi ko ang lupa,’ sapagkat ito'y kanyang tuntungan. Huwag din ninyong sasabihing, ‘Saksi ko ang Jerusalem,’ sapagkat ito'y lungsod ng dakilang Hari. Huwag mo ring ipanumpa ang iyong ulo, sapagkat ni isang buhok sa iyong ulo ay hindi mo kayang paputiin o paitimin. Sabihin mo na lang na ‘Oo’ kung oo at ‘Hindi’ kung hindi, sapagkat ang anumang sumpang idaragdag dito ay buhat na sa Masama.” “Narinig ninyong sinabi, ‘Mata sa mata at ngipin sa ngipin.’ Ngunit sinasabi ko sa inyo, huwag kayong gumanti sa masamang tao. Kung sinampal ka sa kanang pisngi, iharap mo rin sa kanya ang kaliwa. Kung isakdal ka ninuman upang makuha ang iyong damit, ibigay mo ito sa kanya pati ang iyong balabal. Kung pilitin ka ng isang kawal na pasanin ang kanyang dala ng isang milya, pasanin mo iyon ng dalawang milya. Bigyan mo ang nanghihingi sa iyo at huwag mong tanggihan ang nanghihiram sa iyo.” “Narinig ninyong sinabi, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa at kamuhian mo ang iyong kaaway.’ Ngunit ito naman ang sinasabi ko, ibigin ninyo ang inyong mga kaaway at ipanalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo, upang kayo'y maging tunay na mga anak ng inyong Ama na nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa mabubuti gayon din sa masasama, at nagpapaulan siya sa mga matuwid at sa mga di-matuwid. “Kung ang mga nagmamahal sa inyo ang siya lamang ninyong mamahalin, anong gantimpala ang inyong maaasahan? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga maniningil ng buwis? At kung ang mga kapatid lamang ninyo ang inyong binabati, ano ang ginagawa ninyong higit kaysa iba? Hindi ba't ginagawa rin iyan ng mga Hentil? Kaya maging ganap kayo, gaya ng inyong Ama na nasa langit.” “Pag-ingatan ninyong hindi pakitang-tao ang pagtupad ninyo sa inyong mga tungkulin sa Diyos. Kapag ganyan ang ginawa ninyo, wala kayong matatamong gantimpala buhat sa inyong Ama na nasa langit. “Kaya nga, kapag nagbibigay ka ng limos, huwag mo nang ipag-ingay pa gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa mga sinagoga at sa mga lansangan upang sila'y purihin ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Sa halip, kapag nagbibigay ka ng limos, huwag mo nang ipaalam ito maging sa matalik mong kaibigan. Gawin mong lihim ang iyong pagbibigay ng limos at ang iyong Ama na nakakakita ng kabutihang ginagawa mo nang lihim ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo.” “Kapag nananalangin kayo, huwag kayong tumulad sa mga mapagkunwari. Mahilig silang manalanging nakatayo sa mga sinagoga at sa mga kanto upang makita ng mga tao. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Ngunit kapag mananalangin ka, pumasok ka sa iyong silid at isara mo ang pinto. Saka ka manalangin sa iyong Ama na hindi mo nakikita, at ang iyong Ama na nakakakita ng ginagawa mo nang lihim ang siyang magbibigay sa iyo ng gantimpala. “Sa pananalangin ninyo'y huwag kayong gagamit ng maraming salitang walang kabuluhan, gaya ng ginagawa ng mga Hentil. Ang akala nila'y papakinggan sila ng Diyos dahil sa haba ng kanilang sinasabi. Huwag ninyo silang tutularan. Alam na ng inyong Ama na nasa langit ang inyong kailangan bago pa ninyo ito hingin sa kanya. Ganito kayo mananalangin, ‘Ama naming nasa langit, sambahin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Masunod nawa ang iyong kalooban dito sa lupa tulad ng sa langit. Bigyan mo kami ng aming pagkain sa araw-araw; at patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, tulad ng pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin. At huwag mo kaming hayaang matukso, kundi iligtas mo kami sa Masama! [Sapagkat iyo ang kaharian, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, magpakailanman! Amen.]’ “Sapagkat kung pinapatawad ninyo ang mga nagkakasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Ama na nasa langit. Ngunit kung hindi ninyo pinapatawad ang inyong kapwa, hindi rin patatawarin ng inyong Ama ang inyong mga kasalanan.” “Kapag kayo'y nag-aayuno, huwag kayong magmukhang malungkot tulad ng mga mapagkunwari. Hindi sila nag-aayos ng sarili upang mapansin ng mga tao na sila'y nag-aayuno. Tandaan ninyo: tinanggap na nila ang kanilang gantimpala. Sa halip, kapag nag-aayuno ka, maghilamos ka, lagyan mo ng langis at ayusin mo ang iyong buhok upang huwag mapansin ng mga tao na ikaw ay nag-aayuno. Ang iyong Ama na hindi mo nakikita ang tanging makakaalam nito. Siya, na nakakakita ng ginagawa mo nang lihim, ang siyang magbibigay ng gantimpala sa iyo.” “Huwag kayong mag-impok ng mga kayamanan dito sa lupa; dito'y may naninirang insekto at kalawang, at may nakakapasok na magnanakaw. Sa halip, mag-impok kayo ng kayamanan sa langit; doo'y walang naninirang insekto at kalawang, at walang nakakapasok na magnanakaw. Sapagkat kung saan naroroon ang iyong kayamanan, naroroon din ang iyong puso.” “Ang mata ang ilaw ng katawan. Kung malinaw ang iyong paningin, mapupuno ng liwanag ang iyong buong katawan. Ngunit kung malabo ang iyong paningin, mapupuno ng kadiliman ang iyong buong katawan. At kung ang ilaw mo'y madilim, ikaw nga ay tunay na nasa kadiliman.” “Walang aliping makakapaglingkod sa dalawang panginoon, sapagkat kapopootan niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi ninyo maaaring paglingkuran nang pareho ang Diyos at ang kayamanan. “Kaya't sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong kakainin at sa [inyong iinumin] upang kayo'y mabuhay o kaya'y tungkol sa susuutin ng inyong katawan. Hindi ba't ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit? Masdan ninyo ang mga ibon. Hindi sila nagtatanim ni umaani man o kaya'y nagtitipon sa kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba't higit kayong mahalaga kaysa mga ibon? Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng kanyang pagkabalisa? “At bakit kayo nababalisa tungkol sa pananamit? Isipin ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang; hindi sila nagtatrabaho ni gumagawa ng damit. Ngunit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa kanyang karangyaan ay hindi nakapagdamit nang singganda ng isa sa mga bulaklak na ito. Kung dinadamitan ng Diyos ang damo sa parang, na buháy ngayon, at kinabukasan ay iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya sa kanya! “Kaya't huwag kayong mag-alala na baka kayo kapusin sa pagkain, inumin o damit. Hindi ba't ang mga Hentil ang nababahala tungkol sa mga bagay na ito? Alam na ng inyong Ama na nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng ito. Ngunit higit sa lahat ay bigyang-halaga ninyo ang kaharian [ng Diyos] at ang pamumuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng mga bagay na ito. “Kaya nga, huwag ninyong alalahanin ang bukas; sapagkat ang bukas ang mag-aalala sa sarili niya. Sapat na ang inyong mga suliranin sa bawat araw.” “Huwag kayong humatol, nang kayo'y di hatulan. Sapagkat hahatulan kayo ng Diyos ayon sa paghatol ninyo sa iba, at susukatin kayo ayon sa panukat na ginagamit ninyo sa iba. Bakit mo pinapansin ang puwing sa mata ng iyong kapatid ngunit hindi mo pinapansin ang trosong nasa iyong mata? Paano mong masasabi sa iyong kapatid, ‘Halika't aalisin ko ang puwing mo,’ gayong troso ang nasa mata mo? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang trosong nasa iyong mata at sa gayon, makakakita kang mabuti at maaalis mo ang puwing ng iyong kapatid. “Huwag ninyong ibigay sa mga aso ang banal na bagay, baka pagkatapos ay kayo pa ang balingan at sakmalin nila. Huwag ninyong ihagis sa baboy ang inyong mga perlas sapagkat yuyurakan lamang nila ang mga iyon.” “Humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan. Bibigyan ba ninyo ng bato ang inyong anak kapag siya'y humihingi ng tinapay? Bibigyan ba ninyo siya ng ahas kapag siya'y humihingi ng isda? Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama na nasa langit? Bibigyan niya ng mabubuting bagay ang sinumang humihingi sa kanya! “Gawin ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo. Ito ang buod ng Kautusan at ng mga isinulat ng mga propeta.” “Pumasok kayo sa makipot na pintuan. Sapagkat maluwang ang pintuan at malapad ang daang papunta sa kapahamakan, at ito ang dinaraanan ng marami. Ngunit makipot ang pintuan at makitid ang daang papunta sa buhay, at kakaunti ang nakakatagpo niyon.” “Mag-ingat kayo sa mga huwad na propeta. Lumalapit sila sa inyo na parang tupa, ngunit ang totoo'y mababangis na asong-gubat. Makikilala ninyo sila sa kanilang mga gawa. Mapipitas ba ang ubas sa puno ng dawag, o ang igos sa matitinik na halaman? Mabuti ang bunga ng mabuting puno, subalit masama ang bunga ng masamang puno. Hindi maaaring mamunga ng masama ang mabuting puno at hindi maaaring mamunga ng mabuti ang masamang puno. Ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy. Kaya't makikilala ninyo ang mga huwad na propeta sa pamamagitan ng kanilang mga gawa.” “Hindi lahat ng tumatawag sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang mga taong sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit. Sa Araw ng Paghuhukom marami ang magsasabi sa akin, ‘Panginoon, hindi po ba't sa iyong pangalan ay nangaral kami, nagpalayas ng mga demonyo at gumawa ng mga himala?’ Ngunit sasabihin ko sa kanila, ‘Hindi ko kayo kilala. Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan.’” “Kaya't ang bawat nakikinig at nagsasagawa ng mga salita kong ito ay maitutulad sa isang taong matalino na nagtayo ng kanyang bahay na ang pundasyon ay bato. Umulan nang malakas, bumaha, at binayo ng malakas na hangin ang bahay na iyon, ngunit hindi nagiba sapagkat nakatayo iyon sa bato. Ang bawat nakikinig ng aking salita ngunit hindi naman nagsasagawa ng mga ito ay maitutulad naman sa isang taong hangal na nagtayo ng kanyang bahay sa buhanginan. Umulan nang malakas, bumaha at binayo ng malakas na hangin ang bahay. Ito ay bumagsak at lubusang nawasak.” Namangha kay Jesus ang mga tao nang kanilang marinig ang kanyang pagtuturo sapagkat nagturo siya nang may kapangyarihan, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan. Pagbaba ni Jesus mula sa bundok, sinundan siya ng napakaraming tao. Lumapit sa kanya ang isang taong may ketong, lumuhod sa harapan niya, at sinabi, “Panginoon, kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis.” Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Oo, nais ko. Maging malinis ka.” Gumaling at luminis nga agad ang ketongin. Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Jesus, “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip, pumunta ka at magpasuri sa pari. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog na iniuutos ni Moises bilang patunay sa mga tao na ikaw nga'y magaling at malinis na.” Pagpasok ni Jesus sa Capernaum, lumapit sa kanya ang isang opisyal ng hukbong Romano at nakiusap, “Ginoo, ang aking katulong ay naparalisado. Siya po'y nakaratay sa bahay at lubhang nahihirapan.” Sinabi ni Jesus, “Pupuntahan ko siya at pagagalingin.” Ngunit sumagot sa kanya ang opisyal, “Ginoo, hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking bahay. Sabihin lamang po ninyo at gagaling na ang aking katulong. Ako'y nasa ilalim ng mga nakakataas na pinuno at may nasasakupan ding mga kawal. Kapag inutusan ko ang isa, ‘Pumunta ka roon!’ siya'y pumupunta; at ang isa naman, ‘Halika!’ siya'y lumalapit. Kapag sinabi ko sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ ginagawa nga niya iyon.” Namangha si Jesus nang marinig ito at sinabi niya sa mga taong sumusunod sa kanya, “Tandaan ninyo: hindi pa ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya sa buong Israel. Tandaan ninyo: marami ang darating buhat sa silangan at sa kanluran at dudulog sa hapag na kasalo nina Abraham, Isaac at Jacob sa kaharian ng langit. Ngunit ang mga taong dapat sana'y kasama sa kaharian ay itatapon sa kadiliman; mananangis sila doon at magngangalit ang kanilang mga ngipin.” At sinabi ni Jesus sa opisyal, “Umuwi ka na; mangyayari ang hinihiling mo ayon sa iyong pananampalataya.” Sa oras ding iyon ay gumaling ang katulong ng kapitan. Pumunta si Jesus sa bahay ni Pedro at nakita niya roon ang biyenan nito na nakaratay at nilalagnat. Hinawakan ni Jesus ang kamay ng babae at nawala ang lagnat nito. Bumangon ang babae at naglingkod kay Jesus. Nang gabing iyon, dinala kay Jesus ang maraming sinasapian ng mga demonyo. Sa isang salita lamang ay pinalayas niya ang masasamang espiritu at pinagaling ang lahat ng may karamdaman. Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias, “Inalis niya ang ating mga kahinaan, pinagaling ang ating mga karamdaman.” Nang makita ni Jesus ang mga tao sa kanyang paligid, iniutos niya sa mga alagad na maghandang tumawid sa kabilang ibayo. Lumapit sa kanya ang isang tagapagturo ng Kautusan at sinabi, “Guro, sasama po ako sa inyo saanman kayo pupunta.” Ngunit sumagot si Jesus, “May mga lungga ang mga asong-gubat at may mga pugad ang mga ibon, ngunit wala man lamang matulugan o mapagpahingahan ang Anak ng Tao.” Isa naman sa mga alagad ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, maaari po bang umuwi muna ako upang ipalibing ko ang aking ama?” Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin at ipaubaya mo sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay.” Sumakay si Jesus sa bangka, kasama ng kanyang mga alagad. Habang sila'y naglalayag sa lawa, si Jesus ay natutulog. Biglang bumugso ang isang malakas na unos at halos matabunan ng mga alon ang bangka. Kaya nilapitan ng mga alagad si Jesus at ginising. “Panginoon, iligtas ninyo kami! Mamamatay kami!” sabi nila. Ngunit sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natatakot? Napakaliit naman ng inyong pananampalataya!” Bumangon siya, pinatigil ang hangin at ang mga alon, at bumuti ang panahon. Namangha silang lahat at sinabi, “Ano kayang uri ng tao ito? Maging ang hangin at ang lawa ay sumusunod sa kanya!” Nang dumating si Jesus sa kabilang ibayo, sa lupain ng mga Gadareno, sinalubong siya ng dalawang lalaking sinasapian ng mga demonyo. Sila ay nakatira sa libingan. Napakababangis nila kaya't walang sinuman ang dumaraan doon. Biglang nagsisigaw ang dalawang lalaki, “Ano ang pakialam mo sa amin, Anak ng Diyos? Naparito ka ba upang pahirapan kami kahit hindi pa panahon?” Sa di-kalayuan ay may malaking kawan ng mga baboy na nagsisikain. Nakiusap sa kanya ang mga demonyo, “Kung palalayasin mo kami, papasukin mo kami sa mga baboy na iyon.” Sinabi ni Jesus, “Sige, lumayas kayo.” Lumabas nga sila sa dalawang lalaki at pumasok sa mga baboy. Ang buong kawan ay biglang tumakbo papunta sa bangin, nahulog sa lawa at nalunod. Nagtakbuhan papuntang bayan ang mga tagapag-alaga ng mga baboy. Pagdating doon, ipinamalita nila ang buong pangyayari, pati ang naganap sa mga lalaking sinapian ng mga demonyo. Kaya't lumabas ang buong bayan upang salubungin si Jesus. Pagkakita sa kanya, ipinakiusap nilang lisanin niya ang kanilang lupain. Sumakay si Jesus sa bangka, tumawid sa kabilang ibayo at tumuloy sa sarili niyang bayan. Pagdating doon, dinala sa kanya ng ilang tao ang isang paralitikong nakaratay sa higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinapatawad ka na sa iyong mga kasalanan.” May ilang tagapagturo ng Kautusan na naroon at sinabi nila sa kanilang sarili, “Nilalapastangan niya ang Diyos.” Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? Ano ba ang mas madali, ang sabihing, ‘pinapatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ang sabihing, ‘tumayo ka at lumakad’? Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa…” sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!” Tumayo nga ang lalaki at umuwi. Nang makita ito ng mga tao, sila'y natakot at nagpuri sa Diyos na nagbigay ng ganitong kapangyarihan sa mga tao. Pag-alis ni Jesus doon, nakita niya si Mateo na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo nga si Mateo at sumunod sa kanya. Nang si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nasa bahay, dumating ang maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan. Sila'y magkakasalong kumain. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad, “Bakit nakikisalo ang inyong guro sa mga maniningil ng buwis at sa mga makasalanan?” Narinig sila ni Jesus at siya ang sumagot, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. Humayo kayo at unawain ang kahulugan nito: ‘Habag ang nais ko at hindi handog.’ Sapagkat naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga matuwid.” Lumapit kay Jesus ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo, at siya'y tinanong, “Kami po ay [madalas] mag-ayuno, gayundin ang mga Pariseo, ngunit bakit hindi po nag-aayuno ang inyong mga alagad?” Sumagot siya, “Dapat bang malungkot ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Kapag wala na ito, saka pa lamang sila mag-aayuno. “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa isang lumang kasuotan. Sapagkat kapag umurong ang bagong tela, mababatak nito ang tinagpian at lalong lalaki ang punit. Wala ring nagsasalin ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag ganoon ang ginawa, puputok ang balat, matatapon ang alak, at mawawasak ang sisidlan. Sa halip, isinasalin ang bagong alak sa bagong sisidlang-balat; at sa gayon, kapwa ito nagtatagal.” Habang sinasabi ni Jesus ang mga bagay na ito, may dumating namang isang pinuno ng mga Judio. Lumuhod ito sa harap niya at nakiusap, “Kamamatay po lamang ng aking anak na babae; sumama po kayo sa akin at ipatong ninyo ang inyong kamay sa kanya, at siya'y mabubuhay.” Tumayo si Jesus at sumama sa kanya, gayundin ang kanyang mga alagad. Habang sila'y naglalakad, lumapit sa likuran ni Jesus ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo at hinawakan ang laylayan ng kanyang damit. Sinabi ng babae sa sarili, “Mahawakan ko lamang ang kanyang damit, gagaling na ako.” Lumingon si Jesus at pagkakita sa kanya'y sinabi, “Anak, lakasan mo ang iyong loob! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Noon di'y gumaling ang babae. Pagdating ni Jesus sa bahay ng pinuno, nakita niya ang mga manunugtog ng plauta at ang mga taong nagkakaingay. Sinabi niya, “Lumabas muna kayo. Hindi patay ang bata; natutulog lamang!” At siya'y pinagtawanan nila. Nang mapalabas na ang mga tao, pumasok si Jesus sa kuwarto, hinawakan niya sa kamay ang bata at ito'y bumangon. Ang pangyayaring ito ay ipinamalita ng mga tao sa buong lupaing iyon. Pag-alis ni Jesus doon, sinundan siya ng dalawang lalaking bulag. Sumisigaw sila habang nasa daan, “Anak ni David, mahabag po kayo sa amin!” Pagpasok ni Jesus sa bahay, lumapit sa kanya ang mga bulag. Tinanong sila ni Jesus, “Naniniwala ba kayo na mapapagaling ko kayo?” “Opo, Panginoon!” sagot nila. Hinipo niya ang kanilang mga mata at sinabi, “Mangyari ang ayon sa inyong pananampalataya.” At nakakita nga sila. Mahigpit na ipinagbilin sa kanila ni Jesus na huwag sasabihin iyon kaninuman. Ngunit nang sila'y makaalis, ipinamalita nila sa buong lupaing iyon ang ginawa sa kanila ni Jesus. Nang paalis na sila, dinala kay Jesus ang isang piping sinasapian ng demonyo. Pinalayas ni Jesus ang demonyo at nakapagsalita agad ang pipi. Namangha ang mga tao at nasabi nila, “Kailanman ay wala pang nakitang katulad nito sa Israel!” [ Subalit sinabi naman ng mga Pariseo, “Nakapagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo.”] Nilibot ni Jesus ang lahat ng mga bayan at nayon doon. Nagtuturo siya sa kanilang mga sinagoga at ipinapangaral ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinagaling din niya ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman. Nang makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila'y litung-lito at hindi alam ang gagawin, parang mga tupang walang pastol. Kaya't sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Napakaraming aanihin, ngunit kakaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala ng mga mag-aani.” Tinipon ni Jesus ang labindalawang alagad at binigyan sila ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng lahat ng uri ng sakit at karamdaman. Ito ang mga pangalan ng labindalawang apostol: Una ay si Simon na tinatawag ding Pedro, at si Andres na kanyang kapatid, sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo; si Felipe, si Bartolome, si Tomas, si Mateo na maniningil ng buwis, si Santiago na anak ni Alfeo, at si Tadeo, si Simon na Makabayan, at si Judas Iscariote na nagkanulo kay Jesus. Ang labindalawang ito'y isinugo ni Jesus at kanyang pinagbilinan, “Huwag kayong pupunta sa lugar ng mga Hentil, o sa alinmang bayan ng mga Samaritano. Sa halip, hanapin ninyo ang mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel. Humayo kayo't ipangaral na malapit nang dumating ang kaharian ng langit. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin at linisin ninyo ang mga may ketong, at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad. Huwag kayong magdala ng pera, maging ginto, pilak, o tanso. Sa inyong paglalakbay, huwag din kayong magbaon ng pagkain, bihisan, pampalit na sandalyas, o tungkod, sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat na tumanggap ng mga bagay na kanyang ikabubuhay. “Saanmang bayan o nayon kayo dumating, humanap kayo ng taong karapat-dapat pakituluyan at kayo ay tumuloy sa bahay niya habang kayo'y nasa lugar na iyon. Pagpasok ninyo sa bahay, sabihin ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ Kung karapat-dapat ang mga nakatira doon, panatilihin ninyo sa kanila ang inyong pagpapala. Ngunit kung hindi, bawiin ninyo iyon. At kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang tahanan o bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa. Tandaan ninyo: sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang parusang igagawad sa mga mamamayan ng bayang iyon kaysa sa parusang dinanas ng mga taga-Sodoma at taga-Gomorra.” “Tingnan ninyo; isinusugo ko kayo na parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Kaya't maging matalino kayong gaya ng ahas at maamo na gaya ng kalapati. Mag-ingat kayo sapagkat kayo'y dadakpin at isasakdal sa mga Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, hahagupitin kayo sa kanilang mga sinagoga. Dadalhin kayo sa mga gobernador at mga hari nang dahil sa pagsunod ninyo sa akin, upang magpatotoo sa kanila at sa mga Hentil. Kapag iniharap na kayo sa hukuman, huwag kayong mabahala kung ano ang inyong sasabihin, o kung paano kayo magsasalita sapagkat ipagkakaloob sa inyo sa oras na iyon ang inyong sasabihin. Hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo. “Ipagkakanulo ng kapatid ang kanyang sariling kapatid upang ipapatay, gayundin ang gagawin ng ama sa kanyang anak; at lalabanan ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay ang mga ito. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas. Kapag inusig kayo sa isang bayan, tumakas kayo sa kasunod. Tandaan ninyo: bago ninyo mapuntahan ang lahat ng bayan ng Israel, darating na ang Anak ng Tao. “Walang alagad na nakakahigit sa kanyang guro at walang aliping nakakahigit sa kanyang panginoon. Sapat nang matulad ang alagad sa kanyang guro, at ang alipin sa kanyang panginoon. Kung ang ama ng sambahayan ay tinawag nilang Beelzebul, lalo nang lalaitin nila ang kanyang mga kasambahay.” “Kaya huwag kayong matakot sa kanila. Walang natatago na di malalantad at walang nalilihim na di mabubunyag. Ang sinasabi ko sa inyo sa dilim ay ulitin ninyo sa liwanag; at ang ibinubulong sa inyo ay inyong ipagsigawan sa lansangan. Huwag ninyong katakutan ang pumapatay ng katawan ngunit hindi naman nakakapatay ng kaluluwa. Sa halip, ang katakutan ninyo ay ang Diyos na may kakayahang pumuksa ng katawan at kaluluwa sa impiyerno. Hindi ba't ipinagbibili sa halaga ng isang salaping tanso ang dalawang maya? Gayunman, kahit isa sa kanila'y hindi nahuhulog sa lupa kung hindi kalooban ng inyong Ama. At kayo, maging ang buhok ninyo'y bilang niyang lahat. Kaya, huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.” “Ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin ko rin naman sa harapan ng aking Amang nasa langit. Ngunit ang sinumang ikaila ako sa harap ng mga tao ay ikakaila ko rin sa harap ng aking Amang nasa langit.” “Huwag ninyong isiping naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa; naparito ako upang magdala ng tabak, hindi kapayapaan. Naparito ako upang paglabanin ang anak na lalaki at ang kanyang ama, ang anak na babae at ang kanyang ina, at ang manugang na babae at ang kanyang biyenang babae. At ang magiging kaaway ng isang tao ay kanya na rin mismong mga kasambahay. “Ang umiibig sa kanyang ama o ina nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang umiibig sa kanyang anak nang higit sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang hindi nagpapasan ng kanyang krus at hindi sumusunod sa akin ay hindi karapat-dapat sa akin. Ang nagsisikap magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito.” “Ang tumatanggap sa inyo ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang tumatanggap sa isang propeta dahil sa ito'y propeta ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa propeta; at ang tumatanggap sa isang taong matuwid dahil sa ito'y matuwid ay tatanggap ng gantimpalang nauukol sa taong matuwid. Tandaan ninyo: sinumang magbigay ng kahit isang basong malamig na tubig sa isa sa mga maliliit na ito dahil sa siya'y alagad ko, siya'y tiyak na tatanggap ng gantimpala.” Pagkatapos ng mga tagubiling ito sa kanyang labindalawang alagad, umalis si Jesus upang magturo at mangaral sa mga bayang malapit doon. Nakabilanggo na noon si Juan na Tagapagbautismo. Nabalitaan niya ang mga ginagawa ni Cristo kaya't nagsugo siya ng ilang mga alagad upang itanong, “Kayo po ba ang ipinangakong darating, o maghihintay pa kami ng iba?” Sumagot si Jesus, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong naririnig at nakikita. Nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Pinagpala ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!” Nang paalis na ang mga alagad ni Juan, nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Bakit kayo nagpunta sa ilang? Ano ang nais ninyong makita? Isa bang tambo na hinihipan ng hangin? Bakit kayo pumunta sa ilang? Para makita ang isang taong may mamahaling kasuotan? Ang mga nagdaramit ng ganyan ay nasa palasyo ng mga hari! Ano nga ba ang nais ninyong makita? Isang propeta? Oo, siya'y propeta. At sinasabi ko sa inyo, siya'y higit pa sa isang propeta. Sapagkat si Juan ang tinutukoy ng kasulatan, ‘Ipadadala ko ang aking sugo na mauuna sa iyo; ihahanda niya ang iyong daraanan.’ Tandaan ninyo: higit na dakila si Juan na Tagapagbautismo kaysa sinumang isinilang sa daigdig, ngunit ang pinakahamak sa kaharian ng langit ay mas dakila kaysa kanya. Mula nang mangaral si Juan na Tagapagbautismo hanggang ngayon, ang kaharian ng langit ay sapilitang pinapasok ng mga taong mararahas. Sapagkat hanggang sa dumating si Juan, ang mga propeta at ang Kautusan ang siyang nagpahayag tungkol sa kaharian ng langit. Kung naniniwala kayo sa pahayag na ito, si Juan na nga ang Elias na ipinangakong darating. Makinig ang may pandinig! “Saan ko ihahambing ang mga tao sa panahong ito? Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa lansangan at sumisigaw sa kanilang mga kalaro: ‘Tinugtugan namin kayo ng plauta ngunit ayaw ninyong sumayaw! Umawit kami ng awit ng pagluluksa, ngunit ayaw ninyong tumangis!’ Sapagkat nakita nila si Juan na nag-aayuno at di umiinom ng alak, at ang sabi nila, ‘Sinasaniban ng demonyo ang taong iyan.’ Nakita naman nila ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at ang sabi naman nila, ‘Tingnan ninyo ang taong ito! Matakaw, lasenggo at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at makasalanan.’ Gayunman, ang karunungan ng Diyos ay napapatunayang tama sa pamamagitan ng mga gawa nito.” Pagkatapos, sinumbatan ni Jesus ang mga bayang nakasaksi sa maraming himalang ginawa niya roon sapagkat hindi sila nagsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan. Sinabi niya, “Kawawa kayo, mga taga-Corazin! Kawawa kayo, mga taga-Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sanang nagdamit ng sako at naupo sa abo ang mga tagaroon bilang tanda ng kanilang pagsisisi. Ngunit sinasabi ko sa inyo, sa Araw ng Paghuhukom ay mas kahahabagan pa ang mga taga-Tiro at taga-Sidon kaysa inyo. At kayong mga taga-Capernaum, nais pala ninyong itaas ang inyong sarili hanggang langit? Ibabagsak kayo hanggang sa daigdig ng mga patay! Sapagkat kung sa Sodoma ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, sana'y nananatili pa ang bayang iyon magpahanggang ngayon. Ngunit sinasabi ko sa inyo, mas kahahabagan pa ang mga taga-Sodoma kaysa inyo sa Araw ng Paghuhukom!” Nang panahong iyo'y sinabi ni Jesus, “Ama, Panginoon ng langit at lupa, salamat sa iyo, sapagkat inilihim mo ang mga bagay na ito sa marurunong at matatalino, at inihayag mo naman sa mga may kaloobang tulad ng sa bata. Oo, Ama, sapagkat ganoon ang nais mo. “Ibinigay na sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga pinili ng Anak na pagpahayagan niya. “Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na nahihirapan at lubhang nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y bibigyan ko ng kapahingahan. Pasanin ninyo ang aking pamatok at matuto kayo sa akin sapagkat ako'y maamo at may mababang loob. Makakatagpo kayo sa akin ng kapahingahan sapagkat madaling dalhin ang aking pamatok at magaan ang pasaning ibibigay ko sa inyo.” Isang Araw ng Pamamahinga, dumaan sina Jesus sa triguhan. Nagugutom ang kanyang mga alagad noon, kaya't sila'y kumuha ng mga butil ng trigo at kumain niyon. Nang makita ito ng mga Pariseo, sinabi nila sa kanya, “Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Mahigpit iyang ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga!” Sumagot si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang magutom siya at ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos, kumain ng tinapay na handog at pinakain din niya ang kanyang mga kasama. Labag sa Kautusan ang ginawa nila sapagkat ang mga pari lamang ang may karapatang kumain niyon. Hindi ba ninyo nababasa sa Kautusan na tuwing Araw ng Pamamahinga, ang mga pari ay may ginagawa sa Templo na bawal gawin sa araw na iyon? Gayunma'y hindi sila nagkakasala! Sinasabi ko sa inyo, may isang naririto na higit na dakila kaysa Templo. Kung nauunawaan lamang ninyo ang kahulugan ng mga salitang ito, ‘Habag ang nais ko at hindi handog,’ hindi sana ninyo hinatulan ang mga walang sala. Sapagkat ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.” Pagkaalis ni Jesus sa pook na iyon, pumasok siya sa sinagoga. May isang lalaki roon na paralisado ang isang kamay. Naroon din ang ilang taong naghahanap ng pagkakataong maparatangan si Jesus. Tinanong nila si Jesus, “Naaayon ba sa Kautusan ang magpagaling ng maysakit kung Araw ng Pamamahinga?” Sumagot siya, “Kung kayo'y may tupang nahulog sa balon sa Araw ng Pamamahinga, hindi ba ninyo ito iaahon? Higit na mahalaga ang isang tao kaysa isang tupa! Kaya't naaayon sa Kautusan ang gumawa ng mabuti sa Araw ng Pamamahinga.” Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling gaya ng kabilang kamay. Kaya't umalis ang mga Pariseong naroroon at nag-usap-usap kung paano nila maipapapatay si Jesus. Nang malaman ito ni Jesus, umalis siya sa lugar na iyon. Maraming tao ang sumunod sa kanya, at pinagaling niya ang lahat ng maysakit. Ngunit mahigpit niyang ipinagbilin na huwag nilang ipamalita kung sino siya. Sa gayon, natupad ang sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Propeta Isaias, “Narito ang lingkod ko na aking hinirang, ang aking minamahal at lubos na kinalulugdan; ibubuhos ko sa kanya ang aking Espiritu, at siya ang magpapahayag ng katarungan sa mga bansa. Hindi siya makikipag-away o maninigaw, ni magtataas ng boses sa mga lansangan, hindi niya babaliin ang tambong marupok, hindi rin niya papatayin ang ilawang umaandap, hanggang katarunga'y hindi nagtatagumpay nang ganap; at ang pag-asa ng mga Hentil, sa kanya ay ilalagak.” Dinala noon kay Jesus ang isang lalaking bulag at pipi na sinasapian ng demonyo. Pinagaling siya ni Jesus kaya't siya'y nakakita at nakapagsalita. Namangha ang lahat at sinabi nila, “Ito na kaya ang Anak ni David?” Nang marinig ito ng mga Pariseo, sinabi nila, “Nakapagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul, ang pinuno ng mga demonyo.” Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya, “Ang bawat kahariang naglalaban-laban ang mga mamamayan ay babagsak, at alinmang bayan o sambahayang sila-sila ang naglalaban ay mawawasak. Kaya't kung si Satanas ang nagpapalayas kay Satanas, kinakalaban niya ang kanyang sarili! Kung gayon, paano pa niya mapapanatili ang kanyang kaharian? Kung ako'y nagpapalayas ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul, sa kaninong kapangyarihan naman nagpapalayas ng demonyo ang inyong mga tagasunod? Ang ginagawa nila ang magpapatunay na maling-mali kayo. Ngunit kung ako'y nagpapalayas ng mga demonyo sa kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos, nangangahulugang dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos. “Hindi mapapasok ang bahay ng isang taong malakas kung hindi muna siya gagapusin. Kung nakagapos na siya, saka pa lamang malolooban ang bahay niya. Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi ko kasamang mag-ipon ay nagkakalat. Kaya't sinasabi ko sa inyo, mapapatawad ang anumang kasalanan at paglapastangan, ngunit hindi patatawarin ang paglapastangan sa Espiritu Santo. Sinumang magsalita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin, ngunit sinumang magsalita laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin, maging sa panahong ito o sa panahong darating.” “Sinasabi ninyong mabuti ang punongkahoy kung mabuti ang kanyang bunga at masama ang punongkahoy kung masama ang kanyang bunga, sapagkat sa bunga nakikilala ang puno. Lahi ng mga ulupong! Paano kayong makakapagsabi ng mabubuting bagay gayong kayo'y masasama? Kung ano ang nag-uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng bibig. Mabuti ang sinasabi ng mabuting tao, sapagkat puno ng kabutihan ang kanyang puso. Masama ang sinasabi ng masamang tao, sapagkat puno ng kasamaan ang kanyang puso. “Tandaan ninyo, sa Araw ng Paghuhukom, pananagutan ng tao ang bawat walang kabuluhang salitang sinabi niya. Pawawalang-sala ka, o paparusahan, batay sa iyong mga salita.” Sinabi naman sa kanya ng ilang tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Guro, maaari po bang magpakita kayo sa amin ng isang palatandaan?” Sumagot si Jesus, “Lahing masama at taksil sa Diyos! Naghahanap kayo ng palatandaan ngunit walang ipapakita sa inyo maliban sa himalang nangyari kay Propeta Jonas. Kung paanong si Jonas ay tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng dambuhalang isda, ang Anak ng Tao ay tatlong araw at tatlong gabi ring nasa ilalim ng lupa. Sa Araw ng Paghuhukom, tatayo ang mga taga-Nineve at sasaksi laban sa lahing ito, sapagkat nagsisi sila matapos pangaralan ni Jonas. Ngunit higit pa kay Jonas ang naririto. Sa araw na iyon, sasaksi rin ang Reyna ng Sheba laban sa lahing ito. Naglakbay siya mula pa sa dulo ng daigdig upang masaksihan ang karunungan ni Solomon, ngunit higit pa kay Solomon ang naririto ngayon!” “Kapag ang masamang espiritu ay lumabas mula sa isang tao, siya'y gumagala sa mga lupaing tigang upang maghanap ng mapagpapahingahan. Kung wala itong matagpuan ay sinasabi sa sarili, ‘Babalik ako sa tahanang aking pinanggalingan.’ Pagbalik niya at makita itong walang laman, malinis at maayos, aalis muna siya't magsasama pa ng pitong espiritung mas masama pa kaysa kanya at papasok sila at maninirahan doon. Dahil dito, ang kanyang magiging kalagayan ay mas masama pa kaysa dati. Ganyan ang mangyayari sa masamang lahing ito.” Habang si Jesus ay nagsasalita sa maraming tao, dumating ang kanyang ina at mga kapatid. Naghihintay sila sa labas dahil nais nila siyang makausap. [ May nagsabi kay Jesus, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid. Ibig nila kayong makausap.”] Ngunit sinabi niya, “Sino ang aking ina at sinu-sino ang aking mga kapatid?” Itinuro niya ang kanyang mga alagad at sinabi, “Sila ang aking ina at mga kapatid. Sapagkat ang sinumang sumusunod sa kalooban ng aking Ama na nasa langit, iyon ang aking ina at mga kapatid.” Noon ding araw na iyon, si Jesus ay lumabas ng bahay at naupo sa tabi ng lawa. Dahil sa dami ng taong lumalapit sa kanya, sumakay siya sa isang bangka at doon naupo. Tumayo naman sa dalampasigan ang mga tao at sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga. Ganito ang sinabi niya: “May isang magsasakang lumabas upang maghasik. Sa kanyang paghahasik ay may mga binhing nalaglag sa tabi ng daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May mga binhi namang nalaglag sa mabatong lupa. Dahil manipis lang ang lupa roon, sumibol agad ang mga binhi, ngunit natuyo agad ang mga ito nang mabilad sa matinding init ng araw, palibhasa'y mababaw ang ugat. May mga binhi namang nalaglag sa may matitinik na halaman. Lumago ang mga halamang matitinik at sinakal ng mga ito ang mga binhing tumubo doon. Ngunit ang mga binhing nahasik sa matabang lupa ay namunga; may tig-iisandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu. Makinig ang may pandinig!” Lumapit ang mga alagad at tinanong si Jesus, “Bakit po kayo gumagamit ng talinghaga sa kanila?” Sumagot siya, “Ipinagkaloob sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng langit, ngunit hindi ito ipinagkaloob sa kanila. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, at lalong magkakaroon; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Nagsasalita ako sa kanila sa pamamagitan ng talinghaga sapagkat tumitingin sila ngunit hindi nakakakita, at nakikinig ngunit hindi naman nakakarinig ni nakakaunawa man. Natutupad nga sa kanila ang propesiya ni Isaias na nagsasabi, ‘Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo makakaunawa kailanman, at tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo makakakita kailanman. Sapagkat naging mapurol na ang isip ng mga taong ito; mahirap makarinig ang kanilang mga tainga, at ipinikit nila ang kanilang mga mata, kung hindi gayon, sana'y nakakita ang kanilang mga mata, nakarinig ang kanilang mga tainga, nakaunawa ang kanilang mga isip, at nagbalik-loob sila sa akin, at pinagaling ko sila.’ “Subalit pinagpala kayo sapagkat nakakakita ang inyong mga mata at nakakarinig ang inyong mga tainga! Tandaan ninyo: maraming propeta at matutuwid na tao ang naghangad na makita ang inyong nasasaksihan at marinig ang inyong napapakinggan subalit hindi nila ito nakita ni narinig.” “Makinig kayo at unawain ang kahulugan ng talinghaga tungkol sa manghahasik. Kapag ang isang tao ay nakikinig ng mensahe tungkol sa paghahari ng Diyos ngunit hindi naman niya iyon inuunawa, siya ay katulad ng binhing nalaglag sa daan. Dumarating ang Masama at agad inaalis sa kanyang isip ang mensaheng kanyang napakinggan. “Ang katulad naman ng binhing nalaglag sa mabatong lupa ay ang taong nakikinig ng mensahe na kaagad at masayang tumatanggap nito ngunit hindi tumitimo ang mensahe sa kanyang puso. Sandali lamang itong nananatili, at pagdating ng mga kapighatian at pagsubok dahil sa mensahe, agad siyang tumatalikod sa kanyang pananampalataya. “Ang binhi namang nahulog sa may matitinik na halaman ay ang mga taong nakikinig ng mensahe ngunit dahil sa pagkabalisa sa maraming mga bagay at pagkahumaling sa kayamanan, nawawalan ng puwang sa kanilang puso ang mensahe at hindi ito nagkakaroon ng bunga. “At ang katulad naman ng binhing nahasik sa matabang lupa ay ang mga taong dumirinig at umuunawang mabuti sa mensahe, kaya't ito ay namumunga nang sagana, may tig-iisandaan, may tig-aanimnapu, at may tigtatatlumpu.” Nagsalaysay muli si Jesus sa kanila ng isa pang talinghaga. Sinabi niya, “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukid. Isang gabi, habang natutulog ang mga tao, dumating ang kanyang kaaway, naghasik ng mapanirang damo sa triguhan at saka umalis. Nang tumubo at magbunga ang trigo, lumitaw din ang mapanirang damo. Kaya't pumunta ang mga utusan sa may-ari ng bukid at nagtanong, ‘Hindi po ba mabuting binhi lamang ang inihasik ninyo sa inyong bukid? Bakit po may damo ngayon?’ Sumagot siya, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ Tinanong siya ng mga utusan, ‘Bubunutin po ba namin ang mga damo?’ ‘Huwag, baka mabunot pati ang mga trigo,’ sagot niya. ‘Hayaan na lamang ninyong lumago kapwa ang damo at ang trigo hanggang sa anihan. Sa pag-aani'y sasabihin ko sa mga tagapag-ani, ipunin muna ninyo ang mga damo at inyong pagbigkis-bigkisin at saka sunugin. Pagkatapos, ipunin naman ninyo ang trigo sa aking kamalig.’” Sa pagpapatuloy, isa pang talinghaga ang isinalaysay ni Jesus sa kanila. “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang bukid. Ang buto ng mustasa ang pinakamaliit sa lahat ng binhi. Ngunit pagtubo nito, ito'y nagiging mas malaki kaysa alin mang halaman at nagiging punongkahoy, kaya't nakakapagpugad ang mga ibon sa mga sanga nito.” Nagsalaysay pa si Jesus ng ibang talinghaga. “Ang kaharian ng langit ay katulad ng pampaalsa na inihalo ng isang babae sa tatlong takal na harina, hanggang umalsa ang buong masa ng harina.” Ang lahat ng ito ay sinabi ni Jesus sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinghaga, at wala siyang itinuro sa kanila nang hindi sa pamamagitan ng talinghaga. Sa gayon, natupad ang sinabi ng propeta: “Magsasalita ako sa pamamagitan ng mga talinghaga, ihahayag ko ang mga bagay na inilihim mula pa nang likhain [ang daigdig].” Pagkatapos, iniwan ni Jesus ang mga tao at pumasok siya sa bahay. Lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanya, “Ipaliwanag po ninyo sa amin ang talinghaga tungkol sa mapanirang damong tumubo sa bukid.” Sumagot si Jesus, “Ang naghahasik ng mabubuting binhi ay ang Anak ng Tao, ang bukid ay ang daigdig, ang mabuting binhi ay ang mga taong kabilang sa kaharian at ang mapanirang damo naman ay ang mga kabilang sa Masama. Ang kaaway na naghasik ng damo ay walang iba kundi ang diyablo. Ang panahon ng pag-aani ay ang katapusan ng daigdig at ang mga tagapag-ani naman ay ang mga anghel. Kung paanong ang mga damo ay tinitipon at sinusunog, ganoon din ang mangyayari sa katapusan ng daigdig. Ipag-uutos ng Anak ng Tao sa kanyang mga anghel na tipunin nila mula sa kanyang kaharian ang lahat ng nagiging sanhi ng pagkakasala at ang lahat ng gumagawa ng masama. Ihahagis nila ang mga ito sa lumalagablab na pugon at doon ay mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin. Ngunit ang mga gumagawa ng matuwid ay magliliwanag na parang araw sa kaharian ng kanilang Ama. Makinig ang may pandinig!” “Ang kaharian ng langit ay katulad ng kayamanang nakabaon sa isang bukid. Nahukay ito ng isang tao ngunit agad itong tinabunan. Tuwang-tuwa siyang umalis at ibinenta ang lahat ng kanyang ari-arian upang bilhin ang bukid na iyon.” “Ang kaharian ng langit ay katulad din ng isang negosyante na naghahanap ng mga mamahaling perlas. Nang makakita siya ng isang perlas na napakahalaga, umuwi siya't ipinagbili ang lahat ng kanyang ari-arian at binili ang perlas na iyon.” “Ang kaharian ng langit ay katulad din ng isang lambat na inihagis sa dagat at nakahuli ng sari-saring isda. Nang mapuno ang lambat, hinila ito sa pampang. Naupo ang mga tao habang tinitipon nila sa sisidlan ang mabubuting isda at itinatapon naman ang mga isdang hindi mapapakinabangan. Gayundin ang mangyayari sa katapusan ng daigdig, darating ang mga anghel, ihihiwalay ang masasama sa mga matuwid, at ihahagis ang masasama sa naglalagablab na apoy. Doo'y mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin.” “Nauunawaan ba ninyo ang lahat ng ito?” tanong ni Jesus. “Opo,” sagot nila. At sinabi niya sa kanila, “Kaya nga, ang bawat tagapagturo ng Kautusan na tinuruan tungkol sa kaharian ng langit ay katulad ng isang pinuno ng sambahayan na naglalabas ng mga bagay na bago at luma mula sa kanyang taguan ng kayamanan.” Umalis si Jesus mula roon matapos niyang isalaysay ang mga talinghagang ito. Umuwi siya sa kanyang bayan at nagturo sa kanilang sinagoga. Nagtaka ang mga nakarinig sa kanya, kaya't kanilang itinanong, “Saan kumuha ng ganyang karunungan ang taong iyan? Paano siya nakakagawa ng mga himala? Hindi ba siya ay anak ng isang karpintero? Hindi ba si Maria ang kanyang ina at sina Santiago, Jose, Simon, at Judas ang kanyang mga kapatid? At tagarito rin ang kanyang mga kapatid na babae, di ba? Saan kaya niya natutuhan ang lahat ng iyan?” At siya'y hindi nila pinaniwalaan. Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta'y iginagalang kahit saan maliban sa kanyang sariling bayan at sariling sambahayan.” At dahil ayaw nilang maniwala kay Jesus, hindi siya gumawa roon ng maraming himala. Ang balita tungkol kay Jesus ay nakarating kay Herodes na gobernador ng Galilea, kaya't nasabi niya sa kanyang mga lingkod, “Si Juan na Tagapagbautismo iyon! Siya'y muling nabuhay kaya't nakakagawa ng mga himala!” Itong si Herodes ang nagpahuli kay Juan. Ipinagapos niya ito at ipinabilanggo dahil kay Herodias na asawa ng kapatid niyang si Felipe. Sapagkat sinasabi ni Juan kay Herodes, “Bawal na magsama kayo ng asawa ng iyong kapatid.” Ibig ni Herodes na ipapatay si Juan, ngunit natatakot siya sa mga Judio sapagkat kinikilala nilang propeta si Juan na Tagapagbautismo. Nang sumapit ang kaarawan ni Herodes, sumayaw ang anak na babae ni Herodias sa harap ng mga panauhin. Labis na nasiyahan si Herodes, kaya't sumumpa siyang ibibigay sa dalaga ang anumang hingin nito. Sa udyok ng kanyang ina, sinabi ng dalaga sa hari, “Ibigay po ninyo sa akin ngayon din, sa isang pinggan, ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo.” Nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang pangakong narinig ng mga panauhin, iniutos niya na ibigay sa dalaga ang hiningi nito. Kaya't pinapugutan niya si Juan sa bilangguan. Inilagay ang ulo sa isang pinggan at ibinigay ito sa dalaga. Dinala naman ito ng dalaga sa kanyang ina. Dumating ang mga alagad ni Juan, kinuha ang kanyang bangkay at inilibing. Pagkatapos, ibinalita nila kay Jesus ang nangyari. Nang marinig ni Jesus ang pagkamatay ni Juan, sumakay siya sa isang bangka at pumunta sa isang lugar na walang tao. Ngunit nang mabalitaan naman iyon ng mga tao, sila'y naglakad papalabas sa kani-kanilang bayan at sinundan si Jesus. Pagdating ni Jesus sa dalampasigan, nakita niya ang napakaraming taong iyon. Nahabag siya sa kanila at pinagaling niya ang mga maysakit na dala nila. Nang dapit-hapon na'y lumapit sa kanya ang mga alagad. Sinabi nila, “Malapit na pong lumubog ang araw at liblib ang lugar na ito. Papuntahin na po ninyo sa mga kalapit na nayon ang mga tao upang makabili ng kanilang makakain.” “Hindi na sila kailangang umalis. Bigyan ninyo sila ng makakain,” sabi ni Jesus. Sumagot sila, “Wala po tayong pagkain kundi limang tinapay lamang at dalawang isda.” “Dalhin ninyo rito,” sabi niya. Pinaupo niya sa damuhan ang mga tao. Kinuha ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga tinapay at iniutos sa mga alagad na ipamahagi iyon sa mga tao. Nakakain at nabusog ang lahat. Nang ipunin ng mga alagad ang natirang pagkain, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing ng tinapay. May limanlibong lalaki ang nakakain, bukod pa sa mga babae at mga bata. Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang mga alagad at pinauna sa kabilang ibayo. Samantala, pinauwi naman niya ang mga tao. Matapos niyang paalisin ang mga ito, mag-isa siyang umakyat sa bundok upang manalangin. Nag-iisa siyang inabutan doon ng gabi. Samantala, ang bangka ay nasa laot na ngunit sinasalpok ito ng mga alon dahil pasalungat ito sa hangin. Nang madaling-araw na'y sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Kinilabutan sa takot ang mga alagad nang makita nilang may lumalakad sa ibabaw ng tubig. “Multo!” sigaw nila. Ngunit nagsalita agad si Jesus at sinabi sa kanila, “Huwag kayong matakot, ako ito!” Sinabi ni Pedro, “Panginoon, kung talagang ikaw nga iyan, papuntahin mo ako diyan sa kinaroroonan mo sa ibabaw ng tubig.” Sumagot siya, “Halika.” Mula sa bangka ay lumakad si Pedro sa ibabaw ng tubig papunta kay Jesus. Ngunit nang mapansin niya na malakas ang hangin, siya'y natakot at nagsimulang lumubog. “Panginoon, sagipin ninyo ako!” sigaw niya. Agad siyang hinawakan ni Jesus. “Bakit ka nag-alinlangan? Napakaliit ng iyong pananampalataya!” sabi niya kay Pedro. Pagkasakay nila sa bangka, tumigil ang hangin at sinamba siya ng mga nasa bangka. “Tunay nga pong kayo ang Anak ng Diyos!” sabi nila. Tumawid sila ng lawa at dumating sila sa baybayin ng Genesaret. Si Jesus ay nakilala ng mga tagaroon at agad nilang ipinamalita ang kanyang pagdating, kaya't dinala ng mga tao ang lahat ng maysakit sa buong lupaing iyon. Hiniling nila kay Jesus na mahawakan man lamang ng mga maysakit ang laylayan ng kanyang damit; at ang lahat ng gumawa nito ay nagsigaling. Pagkatapos, lumapit kay Jesus ang ilang Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, at siya'y tinanong nila, “Bakit nilalabag ng mga alagad mo ang mga katuruang minana natin sa ating mga ninuno? Kumakain sila nang hindi muna naghuhugas ng kamay ayon sa tamang paraan!” Sinagot sila ni Jesus, “Bakit naman ninyo nilalabag ang utos ng Diyos dahil sa inyong mga tradisyon? Sinabi ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama at ina’ at, ‘Ang sinumang lumait sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.’ Ngunit itinuturo ninyo na kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Ang anumang maitutulong ko sa inyo ay naihandog ko na sa Diyos,’ hindi na niya kailangang tulungan ang kanyang ama [at ang kanyang ina]. Pinawawalang-kabuluhan ninyo ang salita ng Diyos masunod lamang ninyo ang inyong minanang mga katuruan. Mga mapagkunwari! Tama nga ang sinabi ni propeta Isaias tungkol sa inyo, ‘Ang paggalang sa akin ng bayang ito ay pakunwari lamang, sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal. Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba, sapagkat itinuturo nilang galing sa Diyos ang kanilang mga utos.’” Pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Pakinggan ninyo at unawain ang aking sasabihin. Ang lumalabas sa bibig ng tao, hindi ang pumapasok, ang siyang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Diyos.” Pagkatapos, lumapit naman ang mga alagad at sinabi sa kanya, “Hindi po ba ninyo alam na nasaktan ang mga Pariseo sa sinabi ninyo?” Sumagot siya, “Ang bawat halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa langit ay bubunutin. Hayaan ninyo sila. Sila'y mga bulag na taga-akay [ng mga bulag;] at kapag bulag ang umakay sa kapwa bulag, pareho silang mahuhulog sa hukay.” Sinabi sa kanya ni Pedro, “Ipaliwanag nga po ninyo sa amin ang talinghagang [ito.]” At sinabi ni Jesus, “Pati ba kayo'y wala ring pang-unawa? Hindi ba ninyo nalalaman na anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan at pagkatapos ay idinudumi? Ngunit ang lumalabas sa bibig ay nanggagaling sa puso. Iyan ang nagpaparumi sa tao. Sapagkat sa puso nanggagaling ang masasamang kaisipan, pagpatay, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagiging saksi para sa kasinungalingan, at paninirang-puri. Iyan ang nagpaparumi sa tao sa paningin ng Diyos. Hindi nagiging marumi ang isang tao kung siya man ay kumain nang hindi muna naghuhugas ng kamay.” Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lupaing malapit sa Tiro at Sidon. Isang Cananea na nakatira doon ang lumapit sa kanya na sumisigaw, “Panginoon, Anak ni David, maawa po kayo sa akin! Ang anak kong babae ay sinasapian ng demonyo at labis na pinapahirapan nito.” Ngunit hindi sumagot si Jesus. Lumapit ang kanyang mga alagad at sinabi kay Jesus, “Paalisin na nga po ninyo siya. Napakaingay niya at sunod nang sunod sa atin.” Sumagot si Jesus, “Sa mga naliligaw na tupa ng sambahayan ng Israel lamang ako isinugo.” Ngunit lumapit sa kanya ang babae, lumuhod ito at nagmakaawa, “Tulungan po ninyo ako, Panginoon.” Sumagot si Jesus, “Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga bata at ibigay sa mga aso.” “Totoo nga, Panginoon. Ngunit ang mga aso man po ay kumakain ng mumong nalalaglag sa hapag ng kanilang panginoon,” tugon ng babae. At sinabi sa kanya ni Jesus, “Ginang, napakalaki ng iyong pananampalataya! Mangyayari ang hinihiling mo.” At noon di'y gumaling ang kanyang anak. Pag-alis doon, naglakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Umakyat siya sa bundok at naupo roon. Nagdatingan naman ang napakaraming taong may dalang mga pilay, bulag, lumpo, pipi, at marami pang ibang maysakit. Dinala nila ang mga ito sa paanan ni Jesus at sila'y pinagaling niya. Kaya't namangha ang mga tao nang makita nilang nakapagsasalita na ang mga pipi, gumaling ang mga lumpo, nakakalakad na ang mga pilay, at nakakakita na ang mga bulag. Kaya't pinuri nila ang Diyos ng Israel. Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Nahahabag ako sa mga taong ito. Tatlong araw na ngayong kasama natin sila at wala na silang pagkain. Ayokong paalisin sila nang gutom, baka sila mahilo sa daan.” Sinabi naman ng mga alagad, “Saan po tayo kukuha ng sapat na pagkain para sa ganito karaming tao sa ilang na ito?” “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” tanong ni Jesus sa kanila. “Pito po, at mayroon pang ilang maliliit na isda,” sagot nila. Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao. Kinuha niya ang pitong tinapay at ang mga isda at nagpasalamat siya sa Diyos. Pagkatapos, pinaghati-hati niya ang mga iyon at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Nakakain at nabusog ang lahat, at nang ipunin ng mga alagad ang tinapay na lumabis, nakapuno pa sila ng pitong kaing. May apat na libong lalaki ang nakakain, bukod pa sa mga babae at mga bata. Nang napauwi na ni Jesus ang mga tao, sumakay siya sa bangka at nagtungo sa lupain ng Magadan. Lumapit kay Jesus ang ilang Pariseo at Saduseo. Upang siya'y subukin, humingi sila sa kanya ng isang himala mula sa langit. Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, [“Kapag dapit-hapon ay sinasabi ninyo, ‘Magiging maganda ang panahon dahil maaliwalas ang langit.’ At kapag umaga nama'y sinasabi ninyo, ‘Uulan ngayon dahil madilim ang langit.’ Nakakabasa kayo ng palatandaan sa langit, ngunit hindi ninyo mabasa ang mga palatandaan ng kasalukuyang panahon.] Lahing masama at taksil sa Diyos! Humihingi kayo ng palatandaan, ngunit walang ibibigay sa inyo maliban sa himalang nangyari kay Jonas!” Pagkatapos nito, umalis si Jesus. Nang tumawid sa ibayo ang mga alagad, nakalimutan nilang magdala ng tinapay. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang kinakalat ng mga Pariseo at mga Saduseo.” Nag-usap-usap ang mga alagad, “Wala kasi tayong dalang tinapay, kaya sinabi niya iyon.” Alam ni Jesus ang pinag-uusapan nila kaya't sila'y tinanong, “Bakit ninyo pinag-uusapang wala kayong dalang tinapay? Napakaliit ng inyong pananampalataya! Hindi pa ba ninyo nauunawaan hanggang ngayon? Nakalimutan na ba ninyo ang limang tinapay na pinaghati-hati para sa limanlibong tao? Ilang kaing na tinapay ang lumabis? Gayundin ang pitong tinapay para sa apat na libo. Ilang kaing na tinapay ang lumabis? Hindi tungkol sa tinapay ang sinasabi ko nang sabihin ko sa inyong mag-ingat kayo sa pampaalsang kinakalat ng mga Pariseo at mga Saduseo! Hindi ba ninyo maunawaan ito?” At naunawaan nila na sila'y pinag-iingat niya sa mga katuruan ng mga Pariseo at mga Saduseo, at hindi sa pampaalsang ginagamit sa tinapay. Nang dumating si Jesus sa bayan ng Cesarea ng Filipos, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?” At sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan, kayo si Juan na Tagapagbautismo. Sabi po naman ng iba, kayo si Elias. At may nagsasabi pong kayo si Jeremias, o isa sa mga propeta.” Tinanong ulit sila ni Jesus, “Ngunit para sa inyo, sino ako?” Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buháy.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pinagpala ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito'y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Ama na nasa langit. At sinasabi ko sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesya at ang kapangyarihan ng kamatayan ay hindi magtatagumpay laban sa kanya. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit. Ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot din sa langit.” At mahigpit niyang iniutos sa kanyang mga alagad na huwag sabihin kaninuman na siya nga ang Cristo. Mula noon ay ipinaalam na ni Jesus sa kanyang mga alagad ang mangyayari sa kanya. Sinabi niya, “Dapat akong magtungo sa Jerusalem at magdanas ng maraming hirap sa kamay ng mga pinuno ng bayan, mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Ako'y papatayin, ngunit sa ikatlong araw ako'y muling mabubuhay.” Dinala siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan, “Panginoon, huwag nawang itulot ng Diyos! Kailanma'y hindi iyan mangyayari sa inyo.” Ngunit hinarap siya ni Jesus at sinabihan, “Lumayo ka, Satanas! Hadlang ka sa aking landas. Ang iniisip mo'y hindi sa Diyos kundi sa tao.” Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kailangang itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito. Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? Ano ang maibibigay ng isang tao kapalit ng kanyang buhay? Sapagkat darating ang Anak ng Tao na kasama ang kanyang mga anghel, at taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama. Sa panahong iyo'y gagantimpalaan niya ang bawat tao ayon sa ginawa nito. Tandaan ninyo: may ilan sa inyong naririto na hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikita ang Anak ng Tao na dumarating bilang hari.” Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus si Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan, at sila'y umakyat sa isang mataas na bundok. Habang sila'y naroroon, nakita nilang nagbago ang anyo ni Jesus, nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha at nagningning sa kaputian ang kanyang damit. At nakita ng tatlong alagad sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Jesus. Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti't naririto kami. Kung gusto ninyo, magtatayo ako ng tatlong tolda, isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Habang nagsasalita pa si Pedro, nililiman sila ng napakaliwanag na ulap. Mula rito'y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!” Nang marinig ng mga alagad ang tinig, labis silang natakot at nagpatirapa. Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinawakan. “Tumayo kayo, huwag kayong matakot!” sabi niya. Nang tumingin sila, si Jesus na lamang ang kanilang nakita. Habang sila'y bumababa sa bundok, iniutos sa kanila ni Jesus, “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang tungkol sa pangitain hangga't hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao.” Tinanong siya ng mga alagad, “Bakit po sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na dapat munang dumating si Elias?” Sumagot siya, “Darating nga si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. At sinasabi ko sa inyo, dumating na si Elias ngunit hindi siya kinilala ng mga tao, at ginawa nila kay Elias ang gusto nila. Kaya't tulad ng ginawa sa kanya, pahihirapan din nila ang Anak ng Tao.” Naunawaan ng mga alagad na si Juan na Tagapagbautismo ang tinutukoy niya. Pagbalik nila sa maraming tao, lumapit kay Jesus ang isang lalaki at lumuhod ito sa harap niya, at nagsabi, “Ginoo, maawa po kayo sa anak ko! Siya po'y may epilepsya at lubhang nahihirapan. Madalas po siyang mabuwal sa apoy o kaya'y mahulog sa tubig. Dinala ko po siya sa inyong mga alagad ngunit siya'y hindi nila mapagaling.” Sumagot si Jesus, “Lahing napakasama at walang pananampalataya! Hanggang kailan ako dapat manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!” Inutusan ni Jesus ang demonyo na lumabas sa bata, at ang bata'y gumaling agad. Pagkatapos, nang sila-sila na lamang, lumapit ang mga alagad at tinanong si Jesus, “Bakit hindi po namin mapalayas ang demonyo?” Sumagot siya, “Dahil sa maliit ang inyong pananampalataya. Tandaan ninyo: kung kayo'y may pananampalataya sa Diyos na sinlaki ng buto ng mustasa, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon!’ at ito'y lilipat nga. Tunay na walang bagay na hindi ninyo magagawa.” [ Ngunit ang ganitong uri ng demonyo ay hindi mapapalayas kundi sa pamamagitan ng pananalangin at pag-aayuno.] Nang magkatipon sa Galilea ang mga alagad, sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo at papatayin, ngunit siya'y muling bubuhayin sa ikatlong araw.” At sila'y lubhang nalungkot. Pagdating nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis para sa templo. “Nagbabayad ba ng buwis para sa templo ang inyong guro?” tanong nila. “Opo,” sagot ni Pedro. Nang pumasok siya sa bahay, tinanong siya ni Jesus, “Ano sa palagay mo, Simon? Sino ba ang nagbabayad ng buwis sa mga hari dito sa mundo, ang mga mamamayan ba, o ang mga dayuhan?” “Ang mga dayuhan po,” tugon ni Pedro. Sinabi ni Jesus, “Kung gayon, hindi dapat magbayad ang mga mamamayan. Gayunman, para wala silang masabi sa atin, pumunta ka sa lawa at mamingwit ka. Kunin mo ang unang isdang mahuli mo, ibuka mo ang bibig niyon, at may makikita kang isang salaping pilak. Kunin mo iyon at ibayad mo para sa buwis nating dalawa.” Nang mga sandaling iyon, lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, “Sino po ang pinakadakila sa kaharian ng langit?” Tumawag si Jesus ng isang bata, pinatayo sa gitna nila at sinabi, “Tandaan ninyo: kapag hindi kayo nagbago at naging katulad ng mga bata, hinding-hindi kayo makakapasok sa kaharian ng langit. Ang sinumang nagpapakababa na gaya ng batang ito ay siyang pinakadakila sa kaharian ng langit. Ang sinumang tumatanggap sa isang batang katulad nito alang-alang sa akin, ako ang kanyang tinatanggap.” “Mas mabuti pa sa isang tao ang siya'y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bato at ihulog sa kailaliman ng dagat kaysa siya'y maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananampalataya sa akin. Kahabag-habag ang daigdig sa dami ng mga tuksong nagiging sanhi ng pagkakasala! Hindi nga maiiwasan ang pagdating ng tukso, ngunit kakila-kilabot ang sasapitin ng taong pinanggagalingan nito. “Kung ang iyong kamay o paa ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo iyon at itapon! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na walang hanggan na putol ang isang kamay o isang paa, kaysa kumpleto ang iyong dalawang kamay at dalawang paa na itatapon sa apoy na hindi namamatay. Kung ang mata mo naman ang siyang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito at itapon! Mas mabuti pa ang magkaroon ng buhay na walang hanggan na bulag ang isang mata, kaysa may dalawang mata kang itapon sa apoy ng impiyerno.” “Pakaingatan ninyong huwag hamakin ang isa sa maliliit na ito. Sinasabi ko sa inyo, ang kanilang mga anghel ay laging nasa harap ng aking Ama na nasa langit. [ Sapagkat naparito ang Anak ng Tao upang iligtas ang napahamak.] “Ano sa palagay ninyo ang gagawin ng isang taong may sandaang tupa kung nawala ang isa sa mga iyon? Hindi ba't iniiwan niya ang siyamnapu't siyam na nasa bundok upang hanapin ang naligaw? Tandaan ninyo: kapag ito'y kanyang natagpuan, higit niyang ikagagalak ang isang ito kaysa siyamnapu't siyam na hindi naligaw. Gayundin naman hindi ayon sa kalooban ng inyong Ama na nasa langit na mapahamak ang isa sa maliliit na ito.” “Kung magkasala [sa iyo] ang kapatid mo, puntahan mo siya at kausapin nang sarilinan tungkol sa kanyang kamalian. Kapag nakinig siya sa iyo, naibalik mo na ang inyong pagsasamahan bilang magkapatid. Ngunit kung ayaw niyang makinig sa iyo, magsama ka pa ng isa o dalawang tao upang ang lahat ng pinag-usapan ninyo ay mapatunayan ng dalawa o tatlong saksi. Kung ayaw niyang makinig sa kanila, sabihin mo sa iglesya ang nangyari. At kung ayaw pa rin niyang makinig sa iglesya, ituring mo siyang parang Hentil o isang maniningil ng buwis.” “Tandaan ninyo: anumang ipagbawal ninyo dito sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot ninyo dito sa lupa ay ipahihintulot sa langit. “Tandaan din ninyo: kung ang dalawa sa inyo ay nagkaisa dito sa lupa sa paghingi ng anuman, ito'y ipagkakaloob sa inyo ng aking Ama na nasa langit. Sapagkat saanman may dalawa o tatlong nagkakatipon sa pangalan ko, naroon akong kasama nila.” Lumapit si Pedro at nagtanong kay Jesus, “Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang aking kapatid na nagkakasala sa akin? Pitong beses po ba?” Sinagot siya ni Jesus, “Hindi pitong beses, kundi pitumpung ulit na pito. Sapagkat ang kaharian ng langit ay katulad nito: ipinasya ng isang hari na hingan ng ulat ang kanyang mga alipin tungkol sa kanilang mga utang. Nang simulan niyang magkwenta, dinala sa kanya ang isang lingkod na may utang na milyun-milyong piso. Dahil sa siya'y walang maibayad, iniutos ng hari na ipagbili siya, pati ang kanyang asawa, mga anak, at lahat ng kanyang ari-arian, upang siya'y makabayad. Lumuhod ang lingkod sa harapan ng hari at nagmakaawa, ‘Bigyan pa po ninyo ako ng panahon at babayaran ko sa inyo ang lahat.’ Naawa sa kanya ang hari kaya't pinatawad siya sa kanyang pagkakautang at pinalaya. “Ngunit pagkaalis roon ay nakita niya ang isa niyang kapwa lingkod na may utang sa kanya na ilang daang piso. Sinakal niya ito, sabay sabi, ‘Magbayad ka ng utang mo!’ Lumuhod ito at nagmakaawa sa kanya, ‘Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran kita.’ Ngunit hindi siya pumayag. Sa halip, ito'y ipinabilanggo niya hanggang sa makabayad. “Sumama ang loob ng ibang mga lingkod ng hari sa pangyayaring iyon, kaya't pumunta sila sa hari at nagsumbong. Ipinatawag ng hari ang lingkod na iyon. ‘Napakasama mo!’ sabi niya. ‘Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. Naawa ako sa iyo. Hindi ba't dapat ka rin sanang nahabag sa kapwa mo?’ At sa galit ng hari, siya'y ipinabilanggo hanggang sa mabayaran nang buo ang kanyang utang. Gayundin ang gagawin sa inyo ng aking Ama na nasa langit kung hindi ninyo taos pusong patatawarin ang inyong kapatid.” Pagkatapos niyang ipangaral ang mga bagay na ito, umalis si Jesus sa Galilea at nagtungo sa lupain ng Judea, sa kabila ng Ilog Jordan. Sinundan siya ng napakaraming tao, at doo'y pinagaling niya ang mga maysakit. May ilang Pariseong lumapit sa kanya na humanap ng maipaparatang sa kanya. Tanong nila, “Naaayon ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa sa kahit anong dahilan?” Sumagot si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa na sa pasimula'y nilalang ng Diyos ang tao na lalaki at babae? At siya rin ang nagsabi, ‘Dahil dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina, at magsasama sila ng kanyang asawa at sila'y magiging isa.’ Hindi na sila dalawa kundi iisa, kaya't ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.” Tinanong siya ng mga Pariseo, “Kung gayon, bakit iniutos ni Moises na bigyan ng lalaki ang kanyang asawa ng isang kasulatan ng paghihiwalay bago niya ito palayasin?” Sumagot si Jesus, “Ipinahintulot ni Moises na hiwalayan ninyo ang inyong asawa dahil sa katigasan ng inyong ulo. Subalit hindi ganoon sa pasimula. Ito ang sinasabi ko sa inyo, sinumang lalaking humiwalay sa kanyang asawa, maliban kung ang asawa niya'y nakikiapid, [itinutulak niya ang kanyang asawa na mangalunya] at siya'y mag-asawa ng iba ay nagkakasala ng pangangalunya [at ang mag-asawa sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya].” Sinabi naman ng mga alagad, “Kung ganyan po ang kalagayan ng lalaki sa kanyang asawa, mabuti pang huwag nang mag-asawa.” Sumagot si Jesus, “Hindi lahat ay kayang tumanggap ng aral na ito kundi sila lamang na pinagkalooban ng Diyos. Sapagkat may iba't ibang dahilan kung bakit may mga lalaking hindi makapag-asawa: ang ilan ay isinilang na may ganitong kapansanan; ang iba nama'y dahil sa kagagawan ng ibang tao; mayroon namang hindi nag-aasawa alang-alang sa kaharian ng langit. Hayaang tanggapin ang aral na ito ng may kakayahang tumanggap nito.” May nagdala ng mga bata kay Jesus upang ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay at sila'y ipanalangin. Ngunit pinagalitan sila ng mga alagad. Sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng langit.” Ipinatong nga niya sa mga bata ang kanyang kamay, at pagkatapos, siya'y umalis. May isa namang lalaking lumapit kay Jesus at nagtanong, “Guro, anong mabuting bagay ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?” Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatanong kung ano ang mabuti? Iisa lang ang mabuti. Ngunit kung nais mong magkamit ng buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos ng Diyos.” “Alin sa mga iyon?” tanong niya. Sumagot si Jesus, “Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; igalang mo ang iyong ama at ina; at ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” Sinabi ng binata, “Sinunod ko na po ang lahat ng iyan. Ano pa po ang dapat kong gawin?” Sumagot si Jesus, “Kung ibig mong maging ganap, ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” Pagkarinig nito, malungkot na umalis ang binata sapagkat siya'y napakayaman. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Tandaan ninyo: napakahirap sa isang mayaman ang makapasok sa kaharian ng langit! Sinasabi ko rin sa inyo: mas madali pang makadaan sa butas ng karayom ang isang kamelyo, kaysa makapasok sa kaharian ng Diyos ang isang mayaman.” Lubhang nagtaka ang mga alagad sa kanilang narinig kaya't nagtanong sila, “Kung gayon, sino po ang maliligtas?” Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Hindi ito magagawa ng tao, ngunit magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay.” Nagsalita naman si Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan namin ang lahat at kami'y sumunod sa inyo. Ano po naman ang para sa amin?” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tandaan ninyo: kapag naghahari na ang Anak ng Tao sa kanyang trono ng kaluwalhatian sa bagong daigdig, kayong sumunod sa akin ay uupo din sa labindalawang trono upang mamuno sa labindalawang lipi ng Israel. Kapag iniwan ninuman ang kanyang tahanan, mga kapatid na lalaki at babae, ama, ina, [asawa,] mga anak, o mga lupain alang-alang sa akin ay tatanggap siya ng sandaang ibayo at pagkakalooban siya ng buhay na walang hanggan. Ngunit maraming nauuna na magiging huli, at maraming nahúhulí na mauuna.” “Ang kaharian ng langit ay maitutulad sa isang taong lumabas nang maagang-maaga upang kumuha ng manggagawa para sa kanyang ubasan. Nang magkasundo na sila sa upa na isang salaping pilak sa maghapon, ang mga manggagawa ay pinapunta niya sa kanyang ubasan. Lumabas siyang muli nang mag-aalas nuwebe ng umaga at nakakita siya ng iba pang tatayu-tayo lamang sa palengke. Sinabi niya sa kanila, ‘Pumunta rin kayo at magtrabaho sa aking ubasan, at bibigyan ko kayo ng karampatang upa.’ At pumunta nga sila. Lumabas na naman siya nang mag-aalas dose ng tanghali at nang mag-aalas tres ng hapon, at ganoon din ang ginawa niya. Nang mag-aalas singko na ng hapon, siya'y lumabas muli at nakakita pa ng mga ibang wala ring ginagawa. Sinabi niya sa kanila, ‘Bakit tatayu-tayo lang kayo dito sa buong maghapon?’ ‘Wala po kasing magbigay sa amin ng trabaho,’ sagot nila. Kaya't sinabi niya, ‘Kung gayon, pumunta rin kayo sa aking ubasan.’ “Nang gumagabi na, sinabi ng may-ari ng ubasan sa kanyang katiwala, ‘Tawagin mo na ang mga manggagawa at bayaran mo sila magmula sa huli hanggang sa unang nagtrabaho.’ Ang mga nagsimula nang mag-aalas singko ng hapon ay tumanggap ng tig-iisang salaping pilak. Nang lumapit ang mga nauna, inakala nilang tatanggap sila nang higit doon; ngunit ang bawat isa'y binayaran din ng tig-iisang salaping pilak. Nang magkagayo'y nagreklamo sila sa may-ari ng ubasan. Sinabi nila, ‘Isang oras lamang nagtrabaho ang mga ito na huling dumating, samantalang maghapon kaming nagtrabaho at nagtiis sa nakakapasong init ng araw. Bakit naman pinagpare-pareho ninyo ang aming upa?’ Sumagot ang may-ari ng ubasan sa isa sa kanila, ‘Kaibigan, hindi kita dinadaya. Hindi ba't pumayag ka sa isang salaping pilak? Kunin mo ang para sa iyo at umalis ka na. Ano sa iyo kung ibig kong bayaran ang nahuli nang tulad ng ibinayad ko sa iyo? Wala ba akong karapatang gawin sa ari-arian ko ang aking maibigan? Kayo ba'y naiinggit dahil ako'y nagmagandang-loob sa iba?’” At sinabi ni Jesus, “Ang nahúhulí ay mauuna, at ang nauuna ay mahuhuli.” Nang nasa daan na sila papuntang Jerusalem, ibinukod ni Jesus ang labindalawang alagad at sinabi sa kanila, “Pupunta tayo sa Jerusalem. Doo'y ipagkakanulo ang Anak ng Tao sa mga punong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. Hahatulan siya ng kamatayan at ibibigay sa mga Hentil. Siya'y kukutyain, hahagupitin at ipapako sa krus ngunit muli siyang bubuhayin ng Diyos sa ikatlong araw.” Lumapit kay Jesus ang asawa ni Zebedeo, kasama ang dalawa niyang anak na lalaki. Lumuhod siya sa harapan ni Jesus upang sabihin ang kanyang kahilingan. “Ano ang gusto mo?” tanong ni Jesus. Sumagot siya, “Kapag naghahari na po kayo, paupuin ninyo sa inyong tabi ang dalawa kong anak, isa sa kanan at isa sa kaliwa.” “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi,” sabi ni Jesus sa kanila. “Kaya ba ninyong tiisin ang hirap na malapit ko nang danasin?” “Opo,” tugon nila. At sinabi ni Jesus, “Daranasin nga ninyo ang hirap na titiisin ko. Ngunit wala sa akin ang pagpapasya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga upuang iyo'y para sa pinaglalaanan ng aking Ama.” Nang marinig ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. Dahil dito, pinalapit ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Alam ninyo na ang mga pinuno ng mga Hentil ay itinataas ang kanilang sarili bilang mga panginoon sa kanila, at ang kagustuhan ng mga nasa kapangyarihan ang siyang nasusunod. Hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, kung nais ninyong maging dakila, dapat kayong maging lingkod sa iba, at kung sinuman sa inyo ang nagnanais maging una, ay dapat maging alipin ninyo. Sapagkat maging ang Anak ng Tao ay naparito, hindi upang paglingkuran, kundi upang maglingkod at ialay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng marami.” Pag-alis nila sa Jerico, si Jesus ay sinundan ng napakaraming tao. Doon ay may dalawang bulag na nakaupo sa tabi ng daan. Nang marinig nilang dumaraan si Jesus, sila'y nagsisigaw, “Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa amin!” Pinagsabihan sila ng mga tao at pinatahimik, ngunit lalo silang nagsisigaw, “Panginoon, Anak ni David, mahabag po kayo sa amin!” Tumigil si Jesus, tinawag sila at tinanong, “Ano ang gusto ninyong gawin ko sa inyo?” Sumagot sila, “Panginoon, gusto po naming makakita!” Nahabag si Jesus sa kanila at hinipo ang kanilang mga mata. Agad silang nakakita, at sila'y sumunod sa kanya. Nang malapit na sila sa Jerusalem, dumaan sila sa Bethfage, sa Bundok ng mga Olibo. Inutusan ni Jesus ang dalawa sa kanyang mga alagad, “Pumunta kayo sa susunod na nayon at makikita ninyo kaagad doon ang isang babaing asno na nakatali, kasama ang kanyang anak. Kalagan ninyo ang mga iyon at dalhin sa akin. Kapag may nagtanong sa inyo, sabihin ninyong kailangan iyon ng Panginoon at ibibigay niya agad ang mga iyon sa inyo.” Sa gayon, natupad ang sinabi ng propeta: “Sa lungsod ng Zion ay ipahayag ninyo, ‘Tingnan mo, ang iyong hari ay dumarating. Siya'y mapagpakumbaba; masdan mo't siya'y nakasakay sa isang asno, at sa isang bisiro na anak ng asno.’” Lumakad nga ang mga alagad at ginawa ang iniutos ni Jesus. Dinala nila kay Jesus ang asno at ang bisiro, at isinapin sa likod ng mga ito ang kanilang balabal at sumakay si Jesus. Maraming naglatag ng kanilang balabal sa daan; mayroon namang pumutol ng mga sanga ng kahoy at ito'y inilatag sa daan. Nagsisigawan ang mga taong nauuna at sumusunod sa kanya. Sigaw nila, “Purihin ang anak ni David! Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Diyos!” Pagpasok ni Jesus sa Jerusalem, nagulo ang buong lungsod. “Sino kaya ito?” tanong nila. “Si Jesus, ang propetang taga-Nazaret sa Galilea,” sagot ng karamihan. Pumasok si Jesus sa Templo at ipinagtabuyan niyang palabas ang mga nagtitinda at namimili roon. Ipinagtataob niya ang mga mesa ng mga namamalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng kalapati. Sinabi niya, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan.’ Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw.” Habang si Jesus ay nasa Templo, lumapit sa kanya ang mga bulag at mga pilay, at sila'y kanyang pinagaling. Nagalit ang mga punong pari at ang mga tagapagturo ng Kautusan nang makita nila ang mga himalang ginawa niya at marinig ang mga batang sumisigaw sa loob ng Templo, “Purihin ang Anak ni David!” Sinabi nila kay Jesus, “Naririnig mo ba ang sinasabi nila?” “Naririnig ko,” tugon ni Jesus. “Hindi ba ninyo nabasa sa kasulatan: ‘Pinalabas mo sa bibig ng mga sanggol at ng mga pasusuhin ang wagas na papuri’?” Iniwan sila ni Jesus at lumabas siya ng lungsod papuntang Bethania. Doon siya nagpalipas ng gabi. Kinaumagahan, nang si Jesus ay pabalik sa lungsod, siya'y nakaramdam ng gutom. Nakita niya ang isang puno ng igos sa tabi ng daan at nilapitan iyon. Wala siyang nakitang bunga kundi mga dahon lamang. Kaya't sinabi niya dito, “Hindi ka na mamumunga kailanman!” Agad na natuyo ang puno. Nakita ng mga alagad ang nangyari at sila'y namangha. “Paanong natuyo agad ang puno ng igos?” tanong nila. Sumagot si Jesus, “Tandaan ninyo: kung kayo'y maniniwala at hindi mag-aalinlangan, magagawa rin ninyo ang ginawa ko sa puno ng igos na ito. Hindi lamang iyan, kung sasabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Umalis ka riyan, at tumalon ka sa dagat,’ mangyayari ang inyong sinabi. Anumang hingin ninyo sa panalangin ay tatanggapin ninyo kung naniniwala kayo.” Pumasok si Jesus sa Templo. Habang siya'y nagtuturo doon, lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang mga pinuno ng bayan, at siya'y tinanong, “Ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng karapatang gumawa nito?” Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. Kapag sinagot ninyo ang tanong ko, saka ko sasabihin sa inyo kung ano ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito. Kanino nagmula ang karapatan ni Juan upang magbautismo, sa Diyos ba o sa tao?” Kaya't sila'y nag-usap-usap, “Kung sasabihin nating mula sa Diyos, sasabihin naman niya sa atin, ‘Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?’ Ngunit kung sasabihin nating mula sa tao, baka kung ano ang gawin sa atin ng mga taong-bayan, sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang propeta.” Kaya't sumagot sila kay Jesus, “Hindi namin alam!” Sinabi naman niya sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan galing ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito.” “Ano ang palagay ninyo rito? May isang taong may dalawang anak na lalaki. Lumapit siya sa nakatatanda at sinabi, ‘Anak, pumunta ka ngayon sa ubasan at magtrabaho ka roon.’ ‘Ayoko po,’ tugon nito, ngunit nagbago ito ng pasya at nagtrabaho sa ubasan. Lumapit din ang ama sa ikalawa at ganoon din ang kanyang sinabi. At tumugon ito, ‘Opo,’ ngunit hindi naman pumunta sa ubasan. Sino sa dalawa ang sumunod sa kalooban ng kanyang ama?” “Ang nakatatanda po,” sagot nila. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tandaan ninyo: ang mga maniningil ng buwis at ang mga bayarang babae ay nauuna pa sa inyo na makapasok sa kaharian ng Diyos. Sapagkat naparito sa inyo si Juan at itinuro ang pagsunod sa kalooban ng Diyos, at hindi ninyo siya pinaniwalaan, ngunit naniwala sa kanya ang mga maniningil ng buwis at ang mga bayarang babae. Nakita ninyo ito subalit hindi pa rin kayo nagsisi't tumalikod sa inyong mga kasalanan, at hindi rin kayo naniwala sa kanya.” “Pakinggan ninyo ang isa pang talinghaga,” sabi ni Jesus. “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Binakuran niya ang ubasan, nilagyan ng pisaan, at nagtayo ng isang tore. Pagkatapos, ang ubasan ay kanyang pinaupahan sa mga magsasaka at siya'y nagpunta sa ibang lupain. Nang dumating ang panahon ng pitasan ng ubas, pinapunta ng may-ari ng ubasan ang kanyang mga tauhan upang kunin sa mga magsasaka ang kanyang bahagi. Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang mga tauhan; binugbog nila ang isa, pinatay ang ikalawa, at binato naman ang ikatlo. Muling nagpadala ang may-ari ng tauhan, mas marami kaysa una ngunit ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa mga ito. Sa kahuli-huliha'y pinapunta niya ang kanyang anak na lalaki. Sabi niya sa sarili, ‘Marahil nama'y igagalang nila ang aking anak.’ Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, sila'y nag-usap-usap, ‘Ito ang tagapagmana. Halikayo! Patayin natin siya upang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’ Kaya't siya'y sinunggaban nila, inihagis sa labas ng ubasan at pinatay.” At tinanong sila ni Jesus, “Pagbalik ng may-ari ng ubasan, ano kaya ang gagawin niya sa mga taong iyon?” Sumagot sila, “Papatayin niya sa kakila-kilabot na paraan ang masasamang iyon at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasaka na magbibigay sa kanya ng kanyang bahagi sa panahon ng pamimitas.” Nagpatuloy si Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan? ‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong-panulukan. Ginawa ito ng Panginoon, at ito'y kahanga-hangang pagmasdan!’ “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, ang kaharian ng Diyos ay kukunin sa inyo at ibibigay sa mga taong masunurin sa kalooban ng Diyos. [ Ang bumagsak sa batong ito ay magkakadurug-durog at ang mabagsakan nito'y magkakaluray-luray.]” Narinig ng mga punong pari at ng mga Pariseo ang mga talinghaga ni Jesus at naunawaan nilang sila ang tinutukoy niya. Siya'y dadakpin sana nila ngunit natakot sila sa mga tao, sapagkat kinikilala ng mga ito na si Jesus ay isang propeta. Muling nagsalita sa kanila si Jesus sa pamamagitan ng talinghaga. Sinabi niya, “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang haring nagdaos ng isang handaan para sa kasal ng kanyang anak na lalaki. Isinugo niya ang kanyang mga lingkod upang tawagin ang mga inanyayahan, ngunit ayaw nilang dumalo. Muli siyang nagsugo ng ibang mga lingkod at kanyang pinagbilinan ng ganito: ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan na nakahanda na ang mga pagkain, kinatay na ang aking mga baka at mga pinatabang guya, at handa na ang lahat. Halina kayo!’ Ngunit hindi ito pinansin ng mga inanyayahan. Sa halip, pumunta sila sa kani-kanilang lakad. May nagpunta sa kanyang bukid at mayroon namang nag-asikaso ng kanyang negosyo. Sinunggaban naman ng iba ang mga lingkod, hinamak at pinatay. Galit na galit ang hari kaya't pinapunta niya ang kanyang mga kawal upang puksain ang mga mamamatay-taong iyon at sunugin ang kanilang lungsod. Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang mga lingkod, ‘Nakahanda na ang mga pagkain ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan. Pumunta kayo sa mga pangunahing lansangan at inyong anyayahan sa kasalan ang lahat ng makita ninyo.’ Pumunta nga sa mga lansangan ang mga lingkod at isinama nila ang lahat ng kanilang natagpuan, masasama't mabubuti, at napuno ng mga panauhin ang bulwagang pangkasalan. “Pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin. Nakita niya ang isang taong hindi nakadamit pangkasalan. Tinanong niya ito, ‘Kaibigan, bakit ka pumasok dito nang hindi nakasuot ng damit pangkasalan?’ Hindi nakasagot ang tao, kaya't sinabi ng hari sa mga lingkod, ‘Talian ninyo ang kanyang kamay at paa, at itapon siya sa kadiliman sa labas. Doo'y mananangis siya at magngangalit ang kanyang mga ngipin.’” Pagkatapos nito'y sinabi ni Jesus, “Marami ang tinatawag, ngunit kakaunti ang pinili.” Umalis ang mga Pariseo at nag-usap-usap kung paano nila mahuhuli si Jesus sa kanyang pananalita. Kaya pinapunta nila kay Jesus ang ilan sa kanilang mga alagad kasama ng ilang tagasunod ni Herodes. Sinabi ng mga sugo, “Guro, nalalaman naming kayo'y tapat at itinuturo ninyo nang buong katotohanan ang ibig ng Diyos na gawin ng mga tao. Wala kayong itinatangi sapagkat patas ang pagtingin ninyo sa mga tao. Ano po ang palagay ninyo? Naaayon ba sa Kautusan na magbayad ng buwis sa Emperador, o hindi?” Alam ni Jesus ang kanilang masamang layunin kaya't sinabi niya, “Kayong mga mapagkunwari! Bakit binibitag ninyo ako? Ipakita ninyo sa akin ang isang salaping pambayad sa buwis.” At ipinakita nga nila ang isang salaping pilak. “Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit diyan?” tanong ni Jesus. “Sa Emperador po,” tugon nila. Kaya't sinabi niya sa kanila, “Kung gayon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa kanya, at sa Diyos ang para sa Diyos.” Namangha sila nang marinig ito, at sila'y umalis. Nang araw ding iyon, may lumapit kay Jesus na ilang Saduseo. Ang mga ito ay hindi naniniwalang muling mabubuhay ang mga patay. Sinabi nila, “Guro, itinuro po ni Moises na kung mamatay na walang anak ang isang lalaki, ang kanyang kapatid ay dapat pakasal sa nabiyuda upang magkaanak sila para sa namatay. Noon po'y may pitong magkakapatid na lalaki rito sa amin. Nag-asawa ang panganay at namatay siyang walang anak, kaya't ang kanyang asawa ay pinakasalan ng kanyang kapatid. Gayundin po ang nangyari sa pangalawa, sa pangatlo, hanggang sa pampito. Pagkamatay nilang lahat, namatay naman ang babae. Ngayon, sino po sa pito ang magiging asawa niya sa muling pagkabuhay, yamang siya'y napangasawa nilang lahat?” Sumagot si Jesus, “Maling-mali kayo, palibhasa'y hindi ninyo nauunawaan ang mga Kasulatan ni ang kapangyarihan ng Diyos. Sa muling pagkabuhay, ang mga tao'y hindi na mag-aasawa; sila ay magiging tulad ng mga anghel sa langit. Tungkol naman sa muling pagkabuhay ng mga patay, hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan ang sinabi sa inyo ng Diyos? Sabi niya, ‘Ako ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.’ Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay, kundi ng mga buháy.” Nang marinig ito ng mga tao, namangha sila sa kanyang katuruan. Nagtipun-tipon ang mga Pariseo nang mabalitaan nilang napatahimik ni Jesus ang mga Saduseo. Isa sa kanila, na dalubhasa sa Kautusan, ang nagtanong kay Jesus upang subukin ito. “Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” tanong niya. Sumagot si Jesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, at buong pag-iisip mo. Ito ang pinakamahalagang utos. Ito naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang katuruan ng mga propeta.” Tinanong naman ni Jesus ang mga Pariseong nagkakatipon doon. “Ano ang pagkakilala ninyo tungkol sa Cristo? Kanino siyang anak?” “Kay David po,” sagot nila. Sabi ni Jesus, “Kung gayon, bakit siya tinawag ni David na ‘Panginoon’ noong pinapatnubayan siya ng Espiritu? Ganito ang kanyang sinabi, ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon: Maupo ka sa kanan ko, hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.’ Ngayon, kung si David ay tumawag sa kanya ng ‘Panginoon,’ paanong masasabing anak ni David ang Cristo?” Isa man sa kanila'y walang nakasagot, at mula noo'y wala nang nangahas magtanong sa kanya. Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad, “Ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. Kaya't gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos, ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang ginagawa sapagkat hindi nila isinasagawa ang kanilang ipinapangaral. Nagpapataw sila ng mabibigat na pasanin sa mga tao, ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagpasan ng mga iyon. Pawang pakitang-tao ang kanilang mga gawa. Nilalaparan nila ang mga lalagyan ng talata sa kanilang noo at braso, at hinahabaan ang palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Ang nais nila ay ang mga upuang pandangal sa mga handaan at ang mga pangunahing upuan sa sinagoga. Gustung-gusto nilang binabati sila sa mga palengke, at tawaging ‘guro.’ Ngunit, huwag kayong patawag na ‘guro,’ sapagkat iisa ang inyong Guro at kayong lahat ay magkakapatid. Huwag ninyong tawaging ama ang sinumang tao sa lupa sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Ama na nasa langit. Huwag kayong patawag na tagapagturo, sapagkat iisa ang inyong tagapagturo, ang Cristo. Ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo. Ang nagmamataas ay ibababa, at ang nagpapakumbaba ay itataas.” “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Hinahadlangan ninyo ang mga tao upang hindi sila makapasok sa kaharian ng langit. Hindi na nga kayo pumapasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga nais pumasok! [ Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Inuubos ninyo ang kabuhayan ng mga biyuda at ang idinadahilan ninyo'y ang pagdarasal ng mahahaba! Dahil dito'y lalo pang bibigat ang parusa sa inyo!] “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nilalakbay ninyo ang karagatan at ginagalugad ang buong daigdig makahikayat lamang kayo ng kahit isang Hentil sa pananampalatayang Judio. Ngunit kapag ito'y nahikayat na, ginagawa ninyo siyang masahol pa at lalong dapat parusahan sa impiyerno kaysa sa inyo. “Kahabag-habag kayo, mga bulag na taga-akay! Itinuturo ninyo na kung gagamitin ninuman ang Templo sa panunumpa, walang halaga ito. Ngunit kung ang gagamitin niya sa panunumpa ay ang ginto ng Templo, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa. Mga bulag! Mga hangal! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto, o ang Templong nagpapabanal sa ginto? Sinasabi rin ninyo na kung gagamitin ninuman ang dambana sa panunumpa, walang halaga ito. Ngunit kung ang gagamitin niya ay ang handog na nasa dambana, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa. Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang dambana na nagpapabanal sa handog? Kaya nga, kapag nanumpa ang sinuman na saksi ang dambana, ginagawa niyang saksi ito at ang lahat ng handog dito. Kapag nanumpa ang sinuman na saksi niya ang Templo, ginagawa niyang saksi ito at ang Diyos na nasa Templo. At kapag nanumpa ang sinuman na saksi niya ang langit, ginagawa niyang saksi ang trono ng Diyos at ang Diyos na nakaupo doon. “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nagbibigay kayo ng ikasampung bahagi ng maliliit na halamang tulad ng yerbabuena, ruda at linga ngunit kinakaligtaan naman ninyong isagawa ang mas mahahalagang turo sa Kautusan: ang katarungan, ang pagkahabag, at ang katapatan. Dapat ninyong gawin ang mga ito nang hindi kinakaligtaan ang ibang utos. Mga bulag na taga-akay! Sinasala ninyo ang kulisap sa inyong inumin, ngunit nilulunok naman ninyo ang kamelyo! “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nililinis ninyo ang labas ng tasa at pinggan, ngunit ang mga iyon ay puno ng kasakiman at pagiging makasarili. Bulag na Pariseo! Linisin mo muna ang nasa loob ng tasa [at pinggan] at magiging malinis din ang labas nito! “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Ang katulad ninyo'y mga libingang pinaputi, magaganda sa labas, ngunit ang loob ay bulok at puno ng kalansay. Ganyang-ganyan kayo! Sa paningin ng tao'y mabubuti, ngunit ang totoo'y punung-puno kayo ng pagkukunwari at kasamaan.” “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nagpapagawa kayo ng libingan para sa mga propeta, at pinapaganda ang mga puntod ng mga taong namuhay nang matuwid. Sinasabi pa ninyo, ‘Kung kami sana'y nabuhay sa kapanahunan ng aming mga ninuno, hindi kami makikiisa sa pagpatay sa mga propeta.’ Sa sinabi ninyong iyan, inaamin ninyong kayo'y mga anak ng mga pumaslang sa mga propeta! Sige! Tapusin ninyo ang sinimulan ng inyong mga ninuno! Mga ahas! Lahi ng mga ulupong! Hindi kayo makakaiwas na maparusahan sa impiyerno! Kaya nga, magsusugo ako sa inyo ng mga propeta, mga matatalinong tao at mga tagapagturo! Papatayin ninyo ang ilan sa kanila, at ang iba'y ipapako sa krus. Ang iba'y hahagupitin ninyo sa inyong mga sinagoga at uusigin sa bayan-bayan. Kaya nga, paparusahan kayo dahil sa pagkamatay ng lahat ng taong pinatay na walang sala, magmula kay Abel hanggang kay Zacarias na anak ni Baraquias. Pinaslang ninyo si Zacarias sa pagitan ng Templo at ng dambanang sunugan ng mga handog. Tandaan ninyo: ang parusa sa lahat ng mga pagpatay na iyon ay babagsak sa salinlahing ito.” “Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga isinugo sa iyo! Ilang ulit kong sinikap na kupkupin ang iyong mga anak, kung paano tinitipon ng isang inahin ang kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, ngunit ayaw ninyo. Kaya't ang inyong Templo ay iiwan na lubusang pinabayaan. Sinasabi ko sa inyo, hindi na ninyo ako makikita hanggang dumating ang oras na sabihin ninyo, ‘Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!’” Lumabas si Jesus sa Templo. Paalis na siya nang lumapit ang mga alagad at itinuro sa kanya ang mga gusali ng Templo. Sinabi niya sa kanila, “Nakikita ba ninyo ang mga gusaling iyan? Tandaan ninyo! Darating ang araw na wala riyang matitirang bato sa ibabaw ng isa pang bato. Lahat ay iguguho!” Habang si Jesus ay nakaupo sa Bundok ng mga Olibo, palihim siyang tinanong ng kanyang mga alagad, “Kailan po ba mangyayari ang mga sinabi ninyo? Ano po ang magiging palatandaan ng inyong muling pagparito at ng katapusan ng mundo?” Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ninuman! Maraming paparito sa pangalan ko at magpapanggap na sila ang Cristo, at marami silang maililigaw. Makakarinig kayo ng mga labanan at makakabalita ng mga digmaan sa iba't ibang dako. Ngunit huwag kayong mababahala dahil talagang mangyayari ang mga iyon, bagama't hindi pa iyon ang katapusan ng mundo. Maglalaban-laban ang mga bansa at gayundin ang mga kaharian. Magkakaroon ng taggutom at lilindol sa maraming lugar. Ang lahat ng mga ito'y pasimula pa lamang ng mga paghihirap na tulad sa isang babaing nanganganak. “Pagkatapos ay kapopootan kayong lahat dahil sa inyong pagsunod sa akin. Isasakdal kayo upang pahirapan at patayin, at dahil dito'y marami ang tatalikod sa kanilang pananampalataya. Mapopoot sila at magtataksil sa isa't isa. Marami ang magpapanggap na propeta at ililigaw ang mga tao. Lalaganap ang kasamaan, kaya't manlalamig ang pag-ibig ng marami. Ngunit ang mananatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas. Ipapangaral sa buong sanlibutan ang Magandang Balitang ito tungkol sa kaharian ng Diyos upang magsilbing patotoo sa lahat ng mga bansa. At saka darating ang wakas.” “Kapag nakita ninyong nagaganap na sa Dakong Banal ang kasuklam-suklam na kalapastanganang tinutukoy ni Propeta Daniel (unawain ito ng nagbabasa), ang mga nasa Judea ay dapat tumakas papunta sa kabundukan, ang nasa bubungan ay huwag nang mag-aksaya ng panahon na kumuha pa ng kahit ano sa loob ng bahay, at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi upang kumuha ng balabal. Sa mga araw na iyon, kawawa ang mga nagdadalang-tao at mga nagpapasuso! Ipanalangin ninyo na ang inyong pagtakas ay huwag mapataon sa taglamig o sa Araw ng Pamamahinga. Sapagkat sa mga araw na iyon, ang mga tao'y magdaranas ng matinding kapighatiang hindi pa nararanasan mula nang likhain ang sanlibutan hanggang sa ngayon, at hindi na mararanasan pa kahit kailan. At kung hindi pinaikli ng Diyos ang mga araw na iyon, walang taong maliligtas. Ngunit alang-alang sa mga hinirang, paiikliin ng Diyos ang mga araw na iyon. “Kung may magsasabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala. Sapagkat may lilitaw na mga huwad na Cristo at mga huwad na propeta. Magpapakita sila ng mga kamangha-manghang himala at mga kababalaghan upang iligaw, kung maaari, maging ang mga hinirang ng Diyos. Tandaan ninyo, ipinagpauna ko nang sabihin ito sa inyo. “Kaya't kung sabihin nila sa inyo, ‘Naroon siya sa ilang,’ huwag kayong pumunta roon. Kung sabihin naman nilang, ‘Naroon siya sa silid,’ huwag kayong maniniwala. Sapagkat darating ang Anak ng Tao na parang kidlat na gumuguhit mula sa silangan hanggang sa kanluran. “Kung nasaan ang bangkay, doon nagkakatipon ang mga buwitre.” “Pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na iyon, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalawakan. Pagkatapos, lilitaw sa langit ang tanda ng Anak ng Tao at mananangis ang lahat ng mga bansa sa daigdig. Makikita nila ang Anak ng Tao na nasa alapaap at dumarating na may dakilang kapangyarihan at kadakilaan. Sa hudyat ng malakas na tunog ng trumpeta, susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na sulok ng daigdig at titipunin nila ang mga hinirang mula sa lahat ng dako.” “Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos; kapag ang mga sanga nito ay umuusbong at nagkakadahon na, alam ninyong malapit na ang tag-araw. Gayundin naman, kapag nakita ninyo ang lahat ng ito, malalaman ninyong malapit na siyang dumating, halos naririto na. Tandaan ninyo, magaganap ang lahat ng mga ito bago maubos ang salinlahing ito. Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga sinasabi ay tiyak na mananatili.” “Ngunit tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit [o maging ang Anak man]. Ang Ama lamang ang nakakaalam nito. Ang pagdating ng Anak ng Tao ay tulad noong panahon ni Noe. Nang mga araw na iyon, bago bumaha, ang mga tao'y nagsisikain, nag-iinuman, at nagsisipag-asawa hanggang sa araw na pumasok si Noe sa barko. Hindi nila namamalayan ang nangyayari hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat. Gayundin ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao. Sa panahong iyon, may dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid, kukunin ang isa at iiwan ang ikalawa. May dalawang babaing nagtatrabaho sa gilingan, kukunin ang isa at iiwan ang ikalawa. Kaya't maging handa kayo dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang inyong Panginoon. Unawain ninyo ito: kung alam ng may-ari ng bahay kung anong oras sa gabi darating ang magnanakaw, siya'y maghahanda at hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. Kaya't lagi kayong maging handa, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.” “Sino ang tapat at matalinong alipin? Hindi ba't ang pinamamahala ng kanyang panginoon upang magpakain sa iba pang mga alipin sa takdang oras? Pinagpala ang aliping iyon kapag dinatnan siyang tapat na naglilingkod sa pagbabalik ng kanyang panginoon! Sinasabi ko sa inyo, gagawin siyang tagapamahala ng kanyang panginoon sa lahat ng mga ari-arian nito. Ngunit kung masama ang aliping iyon, sasabihin niya sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang pagbabalik ng aking panginoon.’ Kaya't sisimulan niyang bugbugin ang kanyang kapwa alipin, at makikipagkainan at makikipag-inuman sa mga lasenggo. Babalik ang panginoon ng aliping iyon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Bibigyan siya ng kanyang panginoon ng matinding parusa, at pagkatapos ay isasama sa mga mapagkunwari. Doo'y tatangis siya at magngangalit ang ngipin.” “Ang kaharian ng langit ay maitutulad dito. May sampung dalagang lumabas upang sumalubong sa lalaking ikakasal. Bawat isa'y may dalang ilawan. Ang lima sa kanila'y hangal at ang lima nama'y matatalino. Ang mga hangal ay nagdala ng kanilang mga ilawan ngunit hindi nagbaon ng langis. Ang matatalino nama'y nagbaon ng langis, bukod pa sa nasa kanilang mga ilawan. Naantala ang pagdating ng lalaking ikakasal kaya't inantok at nakatulog sila sa paghihintay. “Ngunit nang hatinggabi na'y may sumigaw, ‘Narito na ang lalaking ikakasal! Lumabas na kayo upang salubungin siya!’ Agad bumangon ang sampung dalaga at inayos ang kanilang ilawan. Sinabi ng mga hangal sa matatalino, ‘Bigyan naman ninyo kami kahit kaunting langis. Aandap-andap na ang aming mga ilawan.’ “‘Baka hindi ito magkasya sa ating lahat. Mabuti pa'y pumunta muna kayo sa tindahan at bumili ng para sa inyo,’ tugon naman ng matatalino. Kaya't lumakad ang limang dalagang iyon upang bumili ng langis. Habang wala sila, dumating ang lalaking ikakasal. Ang limang nakahanda ay kasama niyang pumasok sa kasalan, at isinara ang pinto. “Pagkatapos, dumating naman ang iba pang dalaga. ‘Panginoon, panginoon, papasukin po ninyo kami!’ pakiusap nila. “Ngunit tumugon siya, ‘Sino ba kayo? Hindi ko kayo kilala.’” Pagkatapos nito'y sinabi ni Jesus, “Kaya't magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam ang araw o ang oras man.” “Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad sa isang taong maglalakbay. Kaya't tinawag niya ang kanyang mga tauhan at ipinagkatiwala sa kanila ang kanyang ari-arian. Binigyan niya ng salaping ginto ang bawat isa ayon sa kanilang kakayahan. Binigyan niya ang isa ng limanlibong salaping ginto, ang isa nama'y dalawang libong salaping ginto, at ang isa pa ay isanlibong salaping ginto. Pagkatapos nito, siya'y umalis. Kumilos agad ang tumanggap ng limanlibong salaping ginto at ipinangalakal iyon. Kumita siya ng limanlibong salaping ginto. Gayundin naman, ang tumanggap ng dalawang libong salaping ginto ay kumita pa ng dalawang libong salaping ginto. Ngunit ang tumanggap ng isanlibong salaping ginto ay humukay sa lupa at itinago ang salaping ginto ng kanyang panginoon. “Pagkaraan ng mahabang panahon, bumalik ang panginoon ng mga tauhang iyon at sila'y pinag-ulat. Lumapit ang tumanggap ng limanlibong salaping ginto at sinabi, ‘Panginoon, ito po ang limanlibong salaping ginto na iniwan ninyo sa akin. Heto naman po ang limanlibong salaping ginto na tinubo nito.’ “Sinabi sa kanya ng panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting lingkod! Halika, samahan mo ako sa aking kagalakan. Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya gagawin kitang tagapamahala ng malaking halaga.’ “Lumapit din ang tumanggap ng dalawang libong salaping ginto at ang sabi, ‘Panginoon, ito po ang iniwan ninyo sa aking dalawang libong salaping ginto. Heto naman po ang dalawang libong salaping ginto na tinubo nito.’ “Sinabi ng kanyang panginoon, ‘Magaling! Tapat at mabuting lingkod! Naging tapat ka sa kaunting halaga, kaya't pamamahalain kita sa malaking halaga. Samahan mo ako sa aking kagalakan!’ “Lumapit naman ang tumanggap ng isanlibong salaping ginto at sinabi, ‘Alam ko pong kayo'y mahigpit at pinipitas ninyo ang bunga ng hindi ninyo itinanim at inaani ninyo ang hindi ninyo inihasik. Natakot po ako, kaya't ibinaon ko sa lupa ang inyong salaping ginto. Heto na po ang inyong salapi.’ “Sumagot ang kanyang panginoon, ‘Masama at tamad na lingkod! Alam mo palang pinipitas ko ang bunga ng hindi ko itinanim at inaani ko ang hindi ko inihasik, bakit hindi mo na lamang inilagay sa bangko ang aking salapi! Kahit paano'y may tinubo sana ito! Kunin ninyo sa kanya ang isanlibong salaping ginto at ibigay sa may sampung libong salaping ginto. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, at magkakaroon ng sagana; ngunit ang wala, pati ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Itapon ninyo sa kadiliman sa labas ang walang silbing taong iyan! Doo'y mananangis siya at magngangalit ang kanyang mga ngipin.’” “Sa maluwalhating pagdating ng Anak ng Tao, kasama ang lahat ng anghel, uupo siya sa kanyang trono ng kaluwalhatian. Tipunin sa harapan niya ang lahat ng mga bansa at sila'y kanyang pagbubukud-bukurin, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing. Ilalagay niya sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa naman ang mga kambing. Kaya't sasabihin ng hari sa mga nasa kanan niya, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok kayo at tanggapin ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang daigdig. Sapagkat ako'y nagugutom at ako'y inyong pinakain; ako'y nauuhaw at ako'y inyong pinainom. Ako'y isang dayuhan at inyong pinatuloy. Ako'y hubad at ako'y inyong dinamitan, nagkasakit at inyong dinalaw, nabilanggo at inyong pinuntahan.’ “Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinatuloy, o kaya'y hubad at aming dinamitan? At kailan po namin kayo nakitang nagkasakit o nabilanggo at kayo'y aming dinalaw?’ “Sasabihin ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, sa akin ninyo ito ginawa.’ “Sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa, ‘Lumayo kayo sa harapan ko, kayong mga isinumpa! Doon kayo sa apoy na di namamatay na inihanda para sa diyablo at sa kanyang mga kampon. Sapagkat hindi ninyo ako pinakain noong ako'y nagugutom; hindi ninyo ako pinainom noong ako'y nauuhaw. Hindi ninyo ako pinatuloy noong ako'y isang dayuhan. Hindi ninyo ako dinamitan noong ako'y hubad. Hindi ninyo ako dinalaw noong ako'y may sakit at noong ako'y nasa bilangguan.’ “At sasagot din sila, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom, nauhaw, walang matuluyan, hubad, may sakit, o nasa bilangguan, na hindi namin kayo tinulungan?’ “At sasabihin sa kanila ng Hari, ‘Tandaan ninyo, nang pagkaitan ninyo ng tulong ang isa sa pinakahamak sa mga ito, ako ang inyong pinagkaitan.’ Itataboy ang mga ito sa kaparusahang walang hanggan, ngunit ang mga matuwid ay pupunta sa buhay na walang hanggan.” Matapos ituro ni Jesus ang lahat ng ito, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Gaya ng alam ninyo, dalawang araw na lamang at Paskwa na. Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo upang ipako sa krus.” Ang mga punong pari at ang mga pinuno ng bayan ay nagkakatipon noon sa palasyo ng pinakapunong pari na si Caifas. Binalak nilang ipadakip si Jesus nang lihim at ipapatay. Ngunit sinabi nila, “Huwag sa kapistahan, baka magkagulo ang mga tao.” Noong nasa Bethania si Jesus, sa bahay ni Simon na ketongin, lumapit sa kanya ang isang babaing may dalang sisidlang alabastro na puno ng napakamahal na pabango. Ibinuhos ito sa ulo ni Jesus habang siya'y nakaupo sa may hapag. Nagalit ang mga alagad nang makita ito. “Bakit inaksaya ang pabango?” tanong nila. “Naipagbili sana iyon sa malaking halaga at naibigay sa mga mahihirap ang pinagbilhan!” Alam ni Jesus ang iniisip nila kaya't sinabi niya, “Bakit ninyo ginugulo ang babaing ito? Mabuting bagay ang ginawa niya sa akin. Sapagkat palagi ninyong makakasama ang mga dukha, ngunit ako'y hindi ninyo makakasama palagi. Binuhusan niya ako ng pabango bilang paghahanda sa paglilibing sa akin. Tandaan ninyo, saan man ipangaral ang Magandang Balita sa buong mundo, babanggitin ang ginawa niyang ito bilang pag-alaala sa kanya.” Si Judas Iscariote, isa sa Labindalawa, ay nakipagkita sa mga punong pari. “Ano po ang ibibigay ninyo sa akin kung tulungan ko kayong madakip si Jesus?” tanong niya. Noon di'y binayaran nila si Judas ng tatlumpung pirasong pilak. Mula noon, humanap na si Judas ng pagkakataon upang maipagkanulo si Jesus. Dumating ang unang araw ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Lumapit kay Jesus ang mga alagad at nagtanong, “Saan po ninyo nais na maghanda kami ng hapunang pampaskwa?” Sumagot siya, “Puntahan ninyo sa lungsod ang isang tao at sabihin ninyo sa kanya, ‘Ipinapasabi po ng Guro na sumapit na ang kanyang oras. Siya at ang mga alagad niya'y sa bahay ninyo kakain ng hapunang pampaskwa.’” Sinunod ng mga alagad ang utos ni Jesus, at doo'y inihanda nga nila ang hapunang pampaskwa. Nang gabing iyon, dumulog sa hapag si Jesus, kasama ang Labindalawa. Sinabi ni Jesus habang sila'y kumakain, “Tinitiyak ko sa inyo, ako'y ipagkakanulo ng isa sa inyo!” Nanlumo ang mga alagad, at isa-isang nagtanong sa kanya, “Hindi ako iyon, di po ba, Panginoon?” Sumagot si Jesus, “Ang kasabay kong nagsawsaw sa mangkok ang siyang magkakanulo sa akin. Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa nasusulat tungkol sa kanya subalit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak!” Si Judas na magkakanulo sa kanya ay nagtanong din, “Guro, ako po ba?” Sumagot si Jesus, “Ikaw ang nagsabi niyan.” Habang sila'y kumakain, dumampot si Jesus ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Diyos ay pinaghati-hati niya iyon, ibinigay sa mga alagad at sinabi, “Kunin ninyo ito at kainin. Ito ang aking katawan.” Pagkatapos, dumampot siya ng kopa, nagpasalamat sa Diyos at ibinigay iyon sa kanila. Sinabi niya, “Kayong lahat ay uminom nito sapagkat ito ang aking dugo na katibayan ng tipan ng Diyos. Ito ang aking dugong ibinubuhos para sa kapatawaran ng kasalanan ng marami. Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hanggang sa araw na inumin kong panibago na kasalo ninyo sa kaharian ng aking Ama.” At pagkaawit ng isang himno, sila'y nagpunta sa Bundok ng mga Olibo. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sa gabing ito, ako'y iiwan ninyong lahat, gaya ng sinasabi sa Kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol at magkakawatak-watak ang mga tupa.’ Ngunit pagkatapos na ako'y muling mabuhay, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” Sumagot si Pedro, “Kahit na po kayo iwan ng lahat, hindi ko kayo iiwan.” Sumagot si Jesus, “Tandaan mo, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok, tatlong beses mo akong ikakaila.” Ngunit sinabi ni Pedro, “Kahit na ako'y patayin kasama ninyo, hindi ko kayo ikakaila.” Ganoon din ang sinabi ng lahat ng alagad. Isinama ni Jesus ang kanyang mga alagad sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi niya sa kanila, “Dito muna kayo't mananalangin ako sa dako roon.” Ngunit isinama niya sina Pedro at ang dalawang anak ni Zebedeo. Nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban, kaya't sinabi niya sa kanila, “Ako'y halos mamatay sa tindi ng kalungkutan. Maghintay kayo rito at samahan ninyo ako sa pagpupuyat!” Lumayo siya nang kaunti, nagpatirapa siya at nanalangin, “Ama ko, kung maaari po, ilayo ninyo sa akin ang kopang ito ng paghihirap. Ngunit hindi po ang kalooban ko, kundi ang kalooban ninyo ang mangyari.” Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Talaga bang hindi kayo makapagpuyat na kasama ko kahit isang oras man lamang? Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu'y nakahanda ngunit ang laman ay mahina.” Muli siyang lumayo at nanalangin, “Ama ko, kung hindi po maaaring maialis ang kopang ito malibang inumin ko, mangyari nawa ang inyong kalooban.” Muli siyang nagbalik at nakita na naman niyang natutulog sila, sapagkat sila'y antok na antok. Iniwan niyang muli ang tatlong alagad at siya'y nanalangin, at iyon din ang kanyang sinabi. Nagbalik na naman siya sa mga alagad at sinabi sa kanila, “Natutulog pa ba kayo at nagpapahinga? Dumating na ang oras na ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga makasalanan. Bangon! Halina kayo, narito na ang nagkakanulo sa akin.” Nagsasalita pa si Jesus nang dumating si Judas, na kabilang sa Labindalawa. May kasama siyang maraming tao na may dalang mga tabak at pamalo; isinugo sila ng mga punong pari at mga pinuno ng bayan. Bago pa sila dumating doon, sinabi na ng taksil sa kanyang mga kasama, “Kung sinong hahalikan ko, siya ang dakpin ninyo.” Nilapitan niya agad si Jesus at binati, “Magandang gabi po, Guro,” saka hinalikan. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kaibigan, gawin mo na ang sadya mo.” At siya'y nilapitan nila at dinakip. Bumunot ng tabak ang isa sa mga kasama ni Jesus at tinaga ang utusan ng pinakapunong pari, at natagpas ang tainga niyon. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ibalik mo ang iyong tabak sa lalagyan! Ang nabubuhay sa tabak ay sa tabak mamamatay. Hindi mo ba alam na kung hihingi ako ng tulong sa aking Ama ay papadalhan agad niya ako ng higit sa labindalawang batalyon ng mga anghel? Ngunit paano matutupad ang mga Kasulatan na nagsasabing ito'y dapat mangyari?” Pagkatapos sinabi niya sa mga tao, “Ako ba'y tulisan at naparito kayong may mga tabak at pamalo upang ako'y dakpin? Araw-araw, nakaupo akong nagtuturo sa Templo, ngunit hindi ninyo ako dinakip. Ngunit nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinulat ng mga propeta.” Tumakas ang mga alagad at iniwan siyang mag-isa. Dinala si Jesus ng mga dumakip sa kanya sa bahay ni Caifas, ang pinakapunong pari; doon nagkakatipon ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga pinuno ng bayan. Sumunod si Pedro, ngunit hindi gaanong lumalapit. Pagdating sa tahanan ng pinakapunong pari, pumasok siya sa bakuran at naupo sa patyo kasama ng mga bantay. Nais niyang makita kung ano ang mangyayari. Samantala, ang mga punong pari at ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio ay naghahanap ng maling paratang laban kay Jesus upang siya'y maipapatay, ngunit wala silang nakita kahit na maraming humarap na sinungaling na saksi laban sa kanya. Sa wakas, may dalawang humarap at nagsabi, “Sinabi ng taong ito na kaya daw niyang gibain ang Templo ng Diyos at muli itong itayo sa loob ng tatlong araw.” Tumayo ang pinakapunong pari at sinabi kay Jesus, “Wala ka bang isasagot sa paratang na ito laban sa iyo?” Ngunit hindi umimik si Jesus. Kaya't sinabi sa kanya ng pinakapunong pari, “Iniuutos ko sa iyo sa ngalan ng Diyos na buháy, sabihin mo sa amin kung ikaw nga ang Cristo, ang Anak ng Diyos.” Sumagot si Jesus, “Kayo na ang nagsabi. At sinasabi ko sa inyo, di na magtatagal at makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng makapangyarihang Diyos at dumarating na nasa alapaap!” Pagkarinig nito, pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang damit at sinabi, “Nilapastangan niya ang Diyos! Hindi na natin kailangan ng mga saksi. Narinig ninyo ngayon ang kanyang paglapastangan! Ano ang pasya ninyo?” Sumagot sila, “Dapat siyang mamatay!” Dinuraan nila si Jesus sa mukha at pinagsusuntok. Pinagsasampal naman siya ng iba, at kinutya, “Hoy, Cristo, hulaan mo nga kung sino ang sumampal sa iyo!” Samantala, si Pedro ay nakaupo noon sa patyo. Nilapitan siya ng isang utusang babae at sinabi sa kanya, “Kasamahan ka rin ni Jesus na taga-Galilea, hindi ba?” Ngunit nagkaila si Pedro sa harap ng lahat. “Wala akong nalalaman sa sinasabi mo,” sagot niya. Pumunta siya sa may pintuan at nakita siya ng isa pang utusang babae. Sinabi nito sa mga naroon, “Ang taong ito'y kasamahan ni Jesus na taga-Nazaret.” Muling nagkaila si Pedro, “Isinusumpa ko, hindi ko kakilala ang taong iyon!” Makalipas ang ilang sandali, lumapit kay Pedro ang mga naroon. Sabi nila, “Isa ka nga sa mga tauhan niya. Nahahalata ka sa punto ng iyong pagsasalita.” Sumagot si Pedro, “Parusahan nawa ako ng Diyos kung nagsisinungaling ako! Hindi ko kilala ang taong iyan.” Pagkasabing-pagkasabi nito, tumilaok ang manok. Naalala ni Pedro ang sinabi ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok, tatlong beses mo akong ikakaila.” Lumabas siya at tumangis nang buong kapaitan. Kinaumagahan, nagpulong ang mga punong pari at mga pinuno ng bayan kung paano nilang maipapapatay si Jesus. Siya'y kanilang iginapos at dinala kay Pilato na gobernador. Nang malaman ng taksil na si Judas na si Jesus ay nahatulang mamatay, nagsisi siya at isinauli sa mga punong pari at mga pinuno ng bayan ang tatlumpung pirasong pilak. Sinabi niya, “Nagkasala ako! Ipinagkanulo ko ang dugo ng taong walang kasalanan.” “Ano ang pakialam namin sa iyo? Bahala ka sa buhay mo!” sagot nila. Inihagis ni Judas sa loob ng Templo ang tatlumpung pirasong pilak, at pagkaalis doon, siya'y nagbigti. Pinulot ng mga punong pari ang mga pirasong pilak. Sinabi nila, “Labag sa Kautusan na ilagay ang salaping ito sa kabang-yaman ng Templo sapagkat bayad ito sa buhay ng isang tao.” Nagkaisa sila na ang salaping iyon ay ibili ng bukid ng isang magpapalayok, upang gawing libingan ng mga dayuhan. Mula noon hanggang ngayon, ang bukid na iyon ay tinatawag na “Bukid ng Dugo.” Sa gayon, natupad ang sinabi ni propeta Jeremias: “Kinuha nila ang tatlumpung pirasong pilak, ang halagang katumbas niya ayon sa mga Israelita, at ginamit ito upang bilhin ang bukid ng isang magpapalayok, ayon sa iniutos sa akin ng Panginoon.” Iniharap si Jesus sa gobernador at siya'y tinanong nito, “Ikaw nga ba ang Hari ng mga Judio?” Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang may sabi.” Ngunit nang paratangan siya ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan, hindi siya umimik. Kaya't sinabi sa kanya ni Pilato, “Hindi mo ba naririnig ang marami nilang paratang laban sa iyo?” Ngunit hindi pa rin siya umimik kaya't labis na nagtaka ang gobernador. Nakaugalian na ng gobernador na tuwing Paskwa ay magpalaya ng isang bilanggo na hinihiling ng taong-bayan. Noon ay may isang kilalang bilanggo na kilala sa kasamaan na ang pangalan ay [Jesus] Barabbas. Nang magkatipon ang mga tao ay tinanong sila ni Pilato, “Sino ang ibig ninyong palayain ko, si Jesus Barabbas, o si Jesus na tinatawag na ‘Cristo’?” Alam ni Pilato na naiinggit lamang sila kaya nila isinakdal si Jesus. Bukod dito, nang si Pilato ay nakaupo sa hukuman, nagpasabi ang kanyang asawa, “Huwag kang makialam sa usapin ng taong iyan. Wala siyang kasalanan. Labis akong nahirapan dahil sa aking panaginip kagabi tungkol sa kanya.” Ang mga tao nama'y hinikayat ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan na hilingin kay Pilato na si Barabbas ang palayain at si Jesus ay ipapatay. Muli silang tinanong ng gobernador, “Sino sa dalawa ang nais ninyong palayain ko?” “Si Barabbas!” sigaw ng mga tao. Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kung gayon, ano ang gagawin ko kay Jesus, na tinatawag na Cristo?” At sumagot ang lahat, “Ipako siya sa krus!” “Bakit? Ano ang nagawa niyang masama?” tanong ni Pilato. Ngunit lalo pang lumakas ang kanilang sigawan, “Ipako siya sa krus!” Nang makita ni Pilato na wala siyang magagawa, at malamang pa'y magkagulo, nagpakuha siya ng tubig at naghugas ng kamay sa harap ng mga tao. “Wala akong pananagutan sa dugo ng taong ito. Ito'y pananagutan ninyo!” sabi niya. Sumagot naman ang mga tao, “Pananagutan namin at ng aming mga anak ang dugo niya.” Pinalaya nga ni Pilato si Barabbas at ipinahagupit naman si Jesus. Pagkatapos, ibinigay siya sa kanila upang ipako sa krus. Si Jesus ay dinala ng mga kawal ng gobernador sa palasyo nito, at nagkatipon ang buong batalyon sa paligid niya. Siya'y hinubaran nila at sinuotan ng isang balabal na matingkad na pula. Kumuha sila ng matitinik na baging, ginawa itong korona at ipinutong sa kanya. Pagkatapos, pinahawak sa kanyang kanang kamay ang isang tangkay ng tambo. Siya'y niluhud-luhuran nila at kinutya ng ganito, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” Siya'y pinagduduraan pa nila. Kinuha nila ang tambo at ito'y inihampas sa kanyang ulo. Matapos kutyain, hinubad nila ang balabal at muling sinuotan ng sarili niyang damit. Pagkatapos, inilabas siya upang ipako sa krus. Paglabas ng lungsod, nakita ng mga sundalo si Simon na taga-Cirene. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. Dumating sila sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang kahulugan ay “Pook ng Bungo.” Binigyan nila si Jesus ng alak na hinaluan ng apdo, ngunit nang matikman niya iyon ay hindi niya ininom. Nang maipako na siya sa krus, pinaghati-hatian ng mga kawal ang kanyang mga damit sa pamamagitan ng palabunutan, naupo sila at siya'y binantayan. Inilagay nila sa kanyang ulunan ang paratang laban sa kanya na may nakasulat na ganito, “Ito'y si Jesus na Hari ng mga Judio.” At may dalawang magnanakaw na ipinako rin sa krus, isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa. Kinukutya siya ng mga nagdaraan. Pailing-iling nilang sinasabi, “Di ba't ikaw ang gigiba ng Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Iligtas mo ngayon ang iyong sarili! Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, bumabâ ka sa krus!” Kinutya rin siya ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi niya mailigtas ang sarili! Di ba siya ang Hari ng Israel? Bumabâ lang siya ngayon sa krus ay maniniwala na kami sa kanya! Nananalig siya sa Diyos, at sinasabi niyang siya ang Anak ng Diyos. Tingnan natin kung ililigtas siya ng Diyos!” Nilait din siya ng mga magnanakaw na ipinakong kasama niya. Mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon ay nagdilim sa buong lupain. Nang mag-aalas tres na ng hapon, sumigaw si Jesus, “ Eli, Eli, lema sabachthani? ” na ang ibig sabihi'y “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Ito'y narinig ng ilan sa mga nakatayo roon kaya't sinabi nila, “Tinatawag niya si Elias!” May isang tumakbo kaagad at kumuha ng espongha, binasâ ito ng maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at ipinasipsip kay Jesus. Sinabi naman ng iba, “Hintay muna, tingnan natin kung darating si Elias upang iligtas siya!” Muling sumigaw si Jesus nang malakas at siya'y nalagutan ng hininga. Biglang nahati ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nayanig ang lupa at nabiyak ang mga bato. Nabuksan ang mga libingan at muling nabuhay ang maraming banal na namatay. Lumabas sila ng libingan, at pagkatapos na muling mabuhay si Jesus, sila'y pumasok sa banal na lungsod at doo'y marami ang nakakita sa kanila. Nasindak ang opisyal at ang mga kawal na nagbabantay kay Jesus nang maramdaman nila ang lindol at masaksihan ang lahat ng nangyari. Sabi nila, “Tunay na siya'y Anak ng Diyos!” Naroon din ang maraming mga babaing nakatanaw mula sa malayo. Sila'y sumunod kay Jesus mula pa sa Galilea, at naglingkod sa kanya. Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Maria na ina ni Santiago at ni Jose, at ang asawa ni Zebedeo. Pagsapit ng dilim, dumating si Jose, isang mayamang taga-Arimatea na tagasunod din ni Jesus. Hiningi niya kay Pilato ang bangkay ni Jesus, kaya't iniutos ni Pilato na ibigay ito kay Jose. Nang makuha na ang bangkay, binalutan niya ito ng malinis na tela ng lino. Inilagay niya ito sa kanyang bagong libingan na ipinauka niya sa bato. Pagkatapos, iginulong niya sa pintuan ang isang malaking batong panakip, at saka umalis. Naroon sina Maria Magdalena at ang isa pang Maria na nakaupo sa tapat ng libingan. Kinabukasan, pagkatapos ng Araw ng Paghahanda, sama-samang nagpunta kay Pilato ang mga punong pari at ang mga Pariseo. Sinabi nila, “Naalala po namin na sinabi ng mapagpanggap na iyon noong siya'y nabubuhay pa, na siya'y muling mabubuhay pagkaraan ng tatlong araw. Kaya pabantayan po sana ninyong mabuti ang libingan hanggang sa ikatlong araw. Baka pumunta doon ang kanyang mga alagad at kunin ang bangkay at pagkatapos ay ipamalitang siya'y muling nabuhay. Ang pandarayang ito ay magiging masahol pa kaysa una.” Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kumuha kayo ng mga kawal at pabantayan ninyong mabuti ang libingan.” Kaya pumunta nga sila roon at tiniyak na hindi mabubuksan ang libingan, nilagyan ng tatak ang batong panakip sa libingan, at pinabantayan ito sa kawal. Makaraan ang Araw ng Pamamahinga, sa pagbubukang-liwayway nang unang araw ng linggo, pumunta si Maria Magdalena at ang isa pang Maria sa libingan ni Jesus upang tingnan ito. Biglang lumindol nang malakas sapagkat bumabâ mula sa langit ang isang anghel ng Panginoon. Iginulong nito ang batong nakatakip sa libingan at umupo sa ibabaw niyon. Ang kanyang mukha ay nakakasilaw na parang kidlat at puting-puti ang kanyang damit. Nanginig sa takot ang mga bantay nang makita ang anghel, at sila'y nabuwal na parang mga patay. Ngunit sinabi ng anghel sa mga babae, “Huwag kayong matakot; alam kong hinahanap ninyo si Jesus na ipinako sa krus. Wala na siya rito sapagkat siya'y muling nabuhay gaya ng kanyang sinabi. Halikayo't tingnan ninyo ang hinimlayan niya. Magmadali kayo at ibalita sa kanyang mga alagad na siya'y muling nabuhay! Mauuna na siya sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon. Iyan ang balitang hatid ko sa inyo.” At dali-dali nga silang umalis sa libingan na may magkahalong takot at galak, at patakbong pumunta sa mga alagad upang ibalita ang nangyari. Ngunit sinalubong sila ni Jesus at binati. Lumapit sila sa kanya, hinawakan ang kanyang mga paa at sinamba siya. Sinabi sa kanila ni Jesus, “Huwag kayong matakot. Humayo kayo't sabihin sa mga kapatid ko na pumunta sila sa Galilea, at makikita nila ako roon.” Pagkaalis ng mga babae, pumunta sa lungsod ang ilan sa mga kawal na nagbabantay sa libingan at isinalaysay sa mga punong pari ang buong pangyayari. Nakipagpulong naman ang mga punong pari sa mga pinuno ng bayan at nagkasundo silang suhulan nang malaki ang mga kawal. At ang mga ito ay inutusan nilang ganito ang ipamalita, “Habang natutulog kami kagabi, dumating ang mga alagad ni Jesus at ninakaw ang kanyang bangkay.” Sinabi pa nila, “Huwag kayong mag-alala kung makarating man ito sa gobernador. Kami ang bahala sa inyo.” Tinanggap ng mga bantay ang suhol, at ganoon nga ang kanilang ginawa. Kaya magpahanggang ngayon ito pa rin ang ipinamamalita sa mga Judio. Pumunta ang labing-isang alagad sa Galilea, sa bundok na sinabi sa kanila ni Jesus. Nang makita nila si Jesus, siya'y sinamba nila, subalit may ilan sa kanilang nag-alinlangan. Lumapit si Jesus at sinabi sa kanila, “Ibinigay na sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya't humayo kayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng mga bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon.” Ito ang simula ng Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo, [ang Anak ng Diyos]. Tulad ng nakasulat sa aklat ni propeta Isaias, “Narito ang sugo ko na aking ipadadalang mauuna sa iyo; ihahanda niya ang iyong daraanan. Ito ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang: ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon, gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran!’” At dumating nga sa ilang si Juan na Tagapagbautismo na nangangaral, “Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at pabautismo kayo, upang kayo'y patawarin ng Diyos.” Halos lahat ng taga-Judea at taga-Jerusalem ay pumunta kay Juan. Ipinahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y binautismuhan niya sa Ilog Jordan. Ang damit ni Juan ay yari sa balahibo ng kamelyo, at balat naman ng hayop ang kanyang sinturon. Ang kanya namang pagkain ay balang at pulot-pukyutan. Ito ang ipinapahayag niya sa mga tao, “Ang darating na kasunod ko ay higit na makapangyarihan kaysa sa akin. Ni hindi ako karapat-dapat yumukod at magkalas man lamang ng tali ng kanyang sandalyas. Binautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babautismuhan niya kayo sa Espiritu Santo.” Nang panahong iyon, dumating si Jesus mula sa Nazaret sa Galilea, at siya'y binautismuhan ni Juan sa Ilog Jordan. Pagkaahung-pagkaahon ni Jesus sa tubig, nakita niyang bumukas ang kalangitan at bumababa sa kanya ang Espiritu na tulad ng isang kalapati. Narinig niya ang isang tinig na mula sa langit at nagsasabing, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.” Pagkatapos, dinala agad ng Espiritu si Jesus sa ilang. Nanatili siya roon nang apatnapung araw, at doo'y tinukso siya ni Satanas. Doon ay may mababangis na hayop ngunit si Jesus ay pinaglingkuran ng mga anghel. Nang ibinilanggo si Juan, nagpunta si Jesus sa Galilea at ipinangaral doon ang Magandang Balitang mula sa Diyos. Sinabi niya, “Dumating na ang takdang panahon. Malapit nang maghari ang Diyos! Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan. Paniwalaan ninyo ang Magandang Balita!” Habang naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na Simon at Andres na nanghuhuli ng isda sa pamamagitan ng lambat. Sila'y kapwa mga mangingisda. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at kayo'y gagawin kong mangingisda ng mga tao.” Pagkasabi niya nito'y agad iniwan ng magkapatid ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya. Nagpatuloy siya sa paglalakad, at sa di-kalayuan ay nakita naman niya ang magkapatid na Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa kanilang bangka at nag-aayos ng mga lambat. Tinawag din sila agad ni Jesus at sila ay sumunod din sa kanya. Iniwan nila sa bangka ang kanilang ama na kasama ang kanilang mga upahang manggagawa. Nagpunta sina Jesus sa Capernaum, at nang sumunod na Araw ng Pamamahinga ay pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. Namangha ang mga tao sapagkat nagtuturo siya nang may kapangyarihan, hindi tulad ng mga tagapagturo ng Kautusan. Bigla namang pumasok sa sinagoga ang isang lalaking sinasapian ng masamang espiritu. Ito'y sumigaw, “Ano ang pakay mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang kami'y puksain? Kilala kita! Ikaw ang Banal na mula sa Diyos.” Ngunit iniutos ni Jesus sa masamang espiritu, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa kanya!” Pinangisay ng masamang espiritu ang lalaki at sumisigaw itong lumabas sa kanya. Ang lahat ay namangha kaya't sila'y nagtanungan sa isa't isa, “Paanong nangyari iyon? Ito ay isang kakaibang katuruan! Makapangyarihan niyang nauutusan ang masasamang espiritu, at sumusunod naman ang mga ito sa kanya.” Dahil dito, mabilis na kumalat sa buong Galilea ang balita tungkol kay Jesus. Mula sa sinagoga ay nagtungo agad si Jesus at ang kanyang mga alagad, kasama sina Santiago at Juan, sa bahay nina Simon at Andres. Noon ay nakahiga dahil nilalagnat ang biyenan ni Simon at ito'y agad nilang sinabi kay Jesus. Kaya't nilapitan ni Jesus ang babae, hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Noon di'y gumaling ito at naghanda ng pagkain para sa kanila. Pagsapit ng gabi, pagkalubog ng araw, dinala kay Jesus ang lahat ng maysakit at ang mga sinasapian ng demonyo. Halos lahat ng mga tagaroon ay nagkatipon sa harap ng bahay. Pinagaling ni Jesus ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman. Pinalayas din niya ang mga demonyo, at hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito sapagkat alam nila kung sino siya. Madaling-araw pa'y bumangon na si Jesus at nagpunta sa isang lugar na walang tao at doon ay nanalangin siya. Hinanap siya ni Simon at ng mga kasama nito, at nang matagpuan siya ay sinabi nila, “Hinahanap po kayo ng mga tao.” Ngunit sinabi niya sa kanila, “Kailangang pumunta rin tayo sa mga karatig-bayan upang makapangaral ako roon. Ito ang dahilan ng pagparito ko.” Nilibot nga ni Jesus ang buong Galilea. Nangaral siya sa kanilang mga sinagoga at nagpalayas ng mga demonyo. Isang taong may ketong ang lumapit kay Jesus. [Lumuhod ito] at nagmakaawa, “Kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis.” Nahabag si Jesus sa ketongin kaya't hinawakan niya ito at sinabi, “Oo, nais ko! Gumaling ka!” Noon di'y nawala ang ketong ng lalaki at siya'y naging malinis. Matapos mapagbilinan, agad siyang pinaalis ni Jesus at pinagsabihan ng ganito: “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay magpunta ka at magpasuri sa pari. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog para sa Diyos ayon sa iniutos ni Moises bilang patunay sa mga tao na ikaw ay magaling at malinis na.” Ngunit pagkaalis ng lalaki ay kanyang ipinamalita ang nangyari sa kanya. Dahil dito, hindi na nakapasok pa ng bayan si Jesus. Nanatili na lamang siya sa mga hindi mataong lugar, subalit pinupuntahan pa rin siya ng mga tao mula sa iba't ibang dako. Pagkalipas ng ilang araw, bumalik si Jesus sa Capernaum at kumalat ang balitang siya'y nasa bahay. Nagkatipon doon ang napakaraming tao, kaya't halos wala nang mapwestuhan kahit sa labas ng pintuan. Habang nangangaral si Jesus, may dumating na apat na taong may dalang isang paralitiko. Hindi nila mailapit ang paralitiko kay Jesus dahil sa dami ng tao, kaya't binakbak nila ang bubong sa tapat niya at ibinabâ ang paralitikong nakaratay sa higaan. Nang makita ni Jesus kung gaano kalaki ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, pinatawad na ang mga kasalanan mo.” May nakaupo roong ilang tagapagturo ng Kautusan na nag-isip nang ganito: “Bakit siya nagsasalita nang ganoon? Nilalapastangan niya ang Diyos! Hindi ba't ang Diyos lamang ang makakapagpatawad ng kasalanan?” Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya agad, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa paralitiko, ‘Pinapatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ang sabihing, ‘Tumayo ka, bitbitin mo ang iyong higaan at lumakad ka’? Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihan dito sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan…” sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!” Tumayo nga ang paralitiko habang nakatingin ang lahat. Kaagad niyang binuhat ang kanyang higaan at umalis, kaya ang lahat ng naroroon ay namangha. Sila ay nagpuri sa Diyos at sinabi nila, “Kailanma'y hindi pa kami nakakita ng ganito!” Muling pumunta si Jesus sa baybayin ng Lawa ng Galilea. Sinundan siya roon ng napakaraming tao at sila'y kanyang tinuruan. Habang naglalakad si Jesus ay nakita niyang nakaupo sa tanggapan ng buwis si Levi na anak ni Alfeo. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo naman si Levi at sumunod nga sa kanya. Nang si Jesus at ang kanyang mga alagad ay kumakain sa bahay ni Levi, kasalo nilang kumakain ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanang sumunod sa kanya. Nang makita ito ng ilang tagapagturo ng Kautusan na kabilang sa pangkat ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad, “Bakit siya kumakaing kasama ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan?” Narinig ito ni Jesus kaya't siya ang sumagot, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. Naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga matuwid.” Minsan, nag-aayuno ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo at ang mga Pariseo. May lumapit kay Jesus at nagtanong, “Bakit po hindi nag-aayuno ang inyong mga alagad, samantalang ang mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo at ang mga Pariseo ay nag-aayuno?” Sumagot si Jesus, “Dapat bang mag-ayuno ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Hindi! Hangga't kasama nila ito, hindi nila gagawin iyon. Ngunit darating ang araw na kukunin mula sa kanila ang lalaking ikinasal, at saka sila mag-aayuno. “Walang nagtatagpi ng bagong tela sa isang lumang damit sapagkat kapag umurong ang bagong tela, mababatak ang tinagpian at lalong lalaki ang punit. Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat sapagkat papuputukin lamang ng alak ang sisidlang-balat, at kapwa masasayang ang alak at ang sisidlan. [Sa halip, ang bagong alak ay inilalagay sa bagong sisidlang-balat!]” Isang Araw ng Pamamahinga, naparaan si Jesus at ang kanyang mga alagad sa triguhan. Habang sila'y naglalakad, ang mga alagad ay pumipitas ng trigo. Sinabi ng mga Pariseo kay Jesus, “Tingnan mo ang ginagawa ng iyong mga alagad. Mahigpit iyang ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga!” Sinabi rin ni Jesus, “Itinakda ang Araw ng Pamamahinga para sa tao; hindi nilikha ang tao para sa Araw ng Pamamahinga. Ang Anak ng Tao ay Panginoon maging ng Araw ng Pamamahinga.” Muling pumasok si Jesus sa sinagoga. Naratnan niya roon ang isang lalaking paralisado ang isang kamay. Pinagmasdan ng ilang taong naroroon kung pagagalingin ni Jesus ang lalaking iyon sa Araw ng Pamamahinga, upang may maiparatang sila laban sa kanya. Tinawag ni Jesus ang lalaking paralisado ang kamay, “Halika rito!” Pagkatapos, tinanong naman niya ang mga tao, “Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti, o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay, o ang pumatay?” Ngunit hindi sila sumagot. Tiningnan ni Jesus ang mga taong nakapaligid sa kanya. Nagalit siya at nalungkot dahil sa katigasan ng kanilang mga puso. Pagkatapos, sinabi niya sa maysakit, “Iunat mo ang iyong kamay.” Iniunat naman ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling. Umalis ang mga Pariseo at agad nakipagsabwatan sa mga tagasunod ni Herodes upang maipapatay si Jesus. Umalis si Jesus at ang kanyang mga alagad at sila'y nagpunta sa tabi ng lawa. Sinundan siya roon ng napakaraming taong buhat sa Galilea, sa Judea, sa Jerusalem, sa Idumea, sa ibayo ng Jordan, at sa palibot ng Tiro at Sidon. Sumunod sila kay Jesus dahil nabalitaan nila ang lahat ng ginagawa niya. Dahil napakarami ng mga tao, inutusan ni Jesus ang kanyang mga alagad na maghanda ng isang bangkang masasakyan niya upang hindi siya maipit ng mga taong dumaragsa. Sapagkat marami na siyang pinagaling, dinudumog siya ng lahat ng maysakit upang mahawakan man lamang siya. Bawat taong sinasapian ng masamang espiritu na makakita sa kanya ay nagpapatirapa sa harapan niya at sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit mahigpit na inutusan ni Jesus ang masasamang espiritu na huwag ipagsabi kung sino siya. Pagkatapos nito, umakyat si Jesus sa bundok at tinawag ang mga taong pinili niya, at lumapit sila sa kanya. Pumili siya ng labindalawa [na tinawag niyang mga apostol]. Hinirang niya ang mga ito upang makasama niya at isugo upang mangaral. Sila ay binigyan din niya ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo. [Ito ang labindalawang hinirang niya:] si Simon, na pinangalanan niyang Pedro; ang magkapatid na sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo (sila'y tinawag niyang Boanerges, na ang kahulugan ay “mga anak ng kulog”); sina Andres, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, si Tadeo, si Simon na Makabayan, at si Judas Iscariote na siyang nagkanulo kay Jesus. Pag-uwi ni Jesus, muling nagkatipon doon ang napakaraming tao kaya't hindi na sila nagkaroon ng pagkakataong kumain pa. Nang mabalitaan iyon ng kanyang mga kamag-anak, pumunta sila roon upang kunin siya dahil maraming nagsasabi na siya'y nasisiraan ng bait. Sinasabi naman ng mga tagapagturo ng Kautusan na galing sa Jerusalem, “Sinasapian siya ni Beelzebul. Nakapagpapalayas siya ng demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pinuno ng mga demonyo!” Dahil dito, pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila ang ilang talinghaga. Sabi niya, “Paanong mapapalayas ni Satanas ang kanyang sarili? Kapag naglaban-laban ang mga mamamayan ng isang kaharian, mawawasak ang kahariang iyon. Kapag naglaban-laban ang mga kaanib ng isang sambahayan, magkakawatak-watak ang sambahayang iyon. Gayundin naman, kapag kinalaban ni Satanas ang kanyang sarili at nagkabaha-bahagi ang kanyang mga kampon, hindi siya magtatagal at iyon na ang kanyang magiging wakas. “Hindi maaaring pasukin at pagnakawan ang bahay ng isang taong malakas, malibang gapusin muna siya. Kapag siya'y nakagapos na, saka pa lamang mapagnanakawan ang kanyang bahay. Tandaan ninyo ito: maaaring patawarin ang tao sa lahat ng kanyang kasalanan at paglapastangan, ngunit ang sinumang lumapastangan sa Espiritu Santo ay walang kapatawaran, sapagkat siya ay nagkasala ng walang hanggang kasalanan.” Sinabi ito ni Jesus sapagkat sinasabi ng mga tao na siya'y sinasapian ng masamang espiritu. Dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus. Tumayo sila sa labas ng bahay at ipinatawag siya. Nang oras na iyon ay maraming taong nakaupo sa palibot ni Jesus. May nagsabi sa kanya, “Nasa labas po at naghihintay ang inyong ina at mga kapatid na lalaki [at mga kapatid na babae]. ” “Sino ang aking ina at mga kapatid?” tanong naman ni Jesus. Tumingin siya sa mga nakaupo sa palibot at sinabi, “Ito ang aking ina at mga kapatid! Sapagkat ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos ang aking mga kapatid at aking ina.” Muling nagturo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. At dahil nagkatipon sa paligid niya ang napakaraming tao, siya'y sumakay at umupo sa isang bangkang nasa tubig. Nanatili naman ang mga tao sa dalampasigan, at sila'y tinuruan niya ng maraming bagay sa pamamagitan ng mga talinghaga. Ganito ang sinabi niya: “Makinig kayo! May isang magsasakang lumabas upang maghasik ng binhi. Sa kanyang paghahasik ay may mga binhing nalaglag sa daan. Dumating ang mga ibon at tinuka ang mga iyon. May mga binhi namang nalaglag sa batuhan. Bagama't kaunti lamang ang lupa roon, agad sumibol ang mga binhing iyon. Ngunit nang tumindi ang sikat ng araw, nalanta at natuyo ang mga binhing tumubo, palibhasa'y hindi ito masyadong nag-ugat. May mga binhi namang nalaglag sa may damuhang matinik; nang lumago ang mga damo, sinakal nito ang mga binhing tumubo, kaya't hindi nakapamunga ang mga binhi. At may mga binhi namang nalaglag sa matabang lupa. Ang mga ito ay tumubo, lumago, at namunga nang marami, may tigtatatlumpu, tig-aanimnapu, at tig-iisandaan.” Sinabi pa ni Jesus, “Makinig ang may pandinig.” Nang nag-iisa na si Jesus, ang ilan sa mga nakikinig ay lumapit sa kanya kasama ang Labindalawa. Hiniling nilang ipaliwanag niya ang talinghaga. Sinabi niya, “Ipinagkaloob sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng Diyos, ngunit sa iba na nasa labas, ang lahat ng bagay ay itinuturo sa pamamagitan ng talinghaga. Nang sa gayon, ‘Tumingin man sila nang tumingin ay hindi sila makakakita, at makinig man sila nang makinig ay hindi makakaunawa. Kung hindi sila ganito, nagbalik-loob na sana sila sa Diyos at napatawad sila.’” Pagkatapos, tinanong sila ni Jesus, “Hindi pa ba ninyo nauunawaan ang talinghagang ito? Paano ninyo mauunawaan ang iba pang mga talinghaga? Ito ang kahulugan ng talinghaga: ang binhing inihahasik ay ang Salita ng Diyos at ang mga binhi namang nalaglag sa daan ay ang mga taong nakikinig sa Salita ng Diyos. Pagkarinig nila'y dumarating si Satanas at inaalis ang salitang inihasik sa kanila. “Ang katulad ng mga binhing nalaglag sa batuhan ay ang mga taong nakikinig ng Salita ng Diyos at agad na tinatanggap ito nang may galak. Subalit hindi ito tumitimo sa kanila kaya't hindi sila nagtatagal. Pagdating ng kapighatian o pag-uusig dahil sa Salita ng Diyos, agad silang sumusuko. “Ito naman ang katulad ng mga binhing nalaglag sa may matitinik na halaman. Sila ang mga taong nakikinig ng Salita ng Diyos ngunit dahil sa alalahanin sa buhay na ito, pagkasilaw sa salapi, o kaya'y pagkahumaling sa ibang mga bagay, ang Salita ay nawawalan ng puwang sa kanilang puso kaya't hindi ito nakakapamunga. “Ito naman ang katulad ng mga binhing nalaglag sa matabang lupa. Sila ang mga taong nakikinig at tumatanggap sa Salita ng Diyos at namumunga nang masagana; may tigtatatlumpu, may tig-aanimnapu at may tig-iisandaan.” Nagpatuloy si Jesus ng pagsasalita. Sinabi niya, “Sinisindihan ba ang ilawan upang itago sa ilalim ng takalan, o kaya'y sa ilalim ng higaan? Hindi ba't kapag nasindihan na ay inilalagay ito sa talagang patungan ng ilaw? Walang natatagong di malalantad, at walang lihim na di mabubunyag. Makinig ang may pandinig!” Idinugtong pa niya, “Unawain ninyong mabuti ang inyong naririnig. Ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo, at higit pa roon. Sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa.” Sinabi pa ni Jesus, “Ang kaharian ng Diyos ay maitutulad sa isang taong naghasik ng binhi sa kanyang bukid. Natutulog siya kung gabi at bumabangon kung araw. Samantala, ang binhi ay tumutubo at lumalago ngunit hindi alam ng naghasik kung paano. Ang lupa ang nagpapasibol at nagpapabunga sa mga pananim; usbong muna ang lumilitaw, saka ang tangkay; pagkatapos, nahihitik ito sa butil. Kapag hinog na ang mga butil, agad itong ginagapas ng taong naghasik sapagkat panahon na para ito'y anihin.” “Saan pa natin maihahambing ang kaharian ng Diyos? Anong talinghaga ang gagamitin natin upang mailarawan ito?” tanong ni Jesus. “Ang katulad nito ay butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng binhi. Ngunit kapag itinanim, ito'y lumalago at nagiging pinakamalaki sa lahat ng tanim; ito'y nagkakasanga nang mayabong, kaya't ang mga ibon ay nakakapamugad sa lilim nito.” Ipinangaral ni Jesus sa mga tao ang mensahe sa pamamagitan ng maraming talinghagang tulad ng mga ito, hanggang sa makakaya pa nilang makinig. Tuwing nangangaral siya sa kanila ay gumagamit siya ng talinghaga, ngunit ipinapaliwanag niya ang mga ito sa kanyang mga alagad kapag sila-sila na lamang. Kinagabiha'y sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Tumawid tayo sa ibayo.” Kaya't iniwan nila ang mga tao at sumakay sila sa bangkang sinasakyan ni Jesus upang tumawid ng lawa. May iba pang mga bangkang nakisabay sa kanila. Habang naglalayag, inabot sila ng malakas na bagyo kaya't ang bangkang sinasakyan nila'y hinampas ng malalaking alon at ito'y halos mapuno na ng tubig. Si Jesus ay natutulog noon sa may hulihan ng bangka, nakahilig sa isang unan. Ginising siya ng mga alagad at sinabi, “Guro, balewala ba sa inyo kung mapahamak kami?” Bumangon si Jesus at sinaway ang hangin, “Tigil!” at sinabi sa lawa, “Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at tumahimik ang lawa. Pagkatapos, sinabi niya sa mga alagad, “Bakit kayo natatakot? Hanggang ngayon ba'y wala pa rin kayong pananampalataya?” Natakot sila nang labis at namangha. Sabi nila sa isa't isa, “Anong klaseng tao ito? Pati hangin at lawa ay sumusunod sa kanya!” Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay dumating sa kabilang ibayo, sa lupain ng mga Geraseno. Pagkababa ni Jesus sa bangka, siya'y sinalubong ng isang lalaking sinasapian ng masamang espiritu. Ang lalaking ito'y nakatira sa mga libingan. Hindi na siya maigapos, kahit tanikala pa ang gamitin. Bagama't madalas siyang gapusin ng tanikala sa kamay at paa, nilalagot lamang niya ang mga ito. Wala nang nakakapigil sa kanya. Araw-gabi'y nagsisisigaw siya sa mga libingan at sa kabundukan, at sinusugatan din niya ng matalas na bato ang kanyang sarili. Malayo pa'y natanaw na nito si Jesus. Patakbo itong lumapit at lumuhod sa harapan niya. Sumigaw siya nang malakas, “Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, ano'ng pakay mo sa akin? Ipangako mo sa ngalan ng Diyos na hindi mo ako pahihirapan!” Sinabi niya ito sapagkat iniutos ni Jesus, “Masamang espiritu, lumabas ka sa taong ito!” Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” “Batalyon, sapagkat marami kami,” tugon niya. At nakiusap siya kay Jesus na huwag silang palayasin sa lugar na iyon. Samantala, sa libis ng bundok ay may malaking kawan ng mga baboy na nagsisikain. Nagmakaawa kay Jesus ang masasamang espiritu, “Papasukin mo na lamang kami sa mga baboy.” Pinahintulutan niya sila kaya't lumabas nga sa lalaki ang masasamang espiritu at pumasok sa mga baboy. Ang kawan na may dalawang libo ay nagtakbuhan sa gilid ng matarik na bangin hanggang sa nahulog ang mga ito sa lawa at nalunod. Tumakbo ang mga tagapag-alaga ng kawan ng baboy at ibinalita sa bayan at sa karatig-pook ang mga pangyayari. Kaya't ang mga tao ay nagpuntahan doon upang alamin ang nangyari. Paglapit nila kay Jesus, nakita nila ang lalaking dating sinasapian ng mga demonyo; nakaupo ito, nakadamit at matino na ang isip, at sila'y natakot. Isinalaysay sa kanila ng mga nakakita ang nangyari sa dating sinasapian ng demonyo at sa mga baboy. Dahil dito, nakiusap ang mga tao kay Jesus na umalis siya sa kanilang lupain. Nang pasakay na si Jesus sa bangka, nakiusap ang dating sinasapian ng mga demonyo na siya'y isama niya, ngunit hindi pumayag si Jesus. Sa halip ay sinabi niya sa lalaki, “Umuwi ka na at sabihin mo sa iyong mga kamag-anak ang lahat ng ginawa sa iyo ng Panginoon, at kung paano siya nahabag sa iyo.” Umalis ang lalaki at ipinamalita sa buong Decapolis ang ginawa sa kanya ni Jesus. At namangha ang lahat ng nakarinig noon. Si Jesus ay sumakay sa bangka at bumalik sa kabilang ibayo. Nasa baybayin pa lamang siya ng lawa ay dinumog na siya ng napakaraming tao. Naroon din ang isang tagapamahala ng sinagoga na ang pangalan ay Jairo. Pagkakita kay Jesus, siya'y lumuhod sa paanan nito at nagmakaawa, “Nag-aagaw-buhay po ang anak kong dalagita. Maawa po kayo, sumama kayo sa akin at ipatong ninyo sa kanya ang inyong kamay upang siya ay gumaling at mabuhay!” Sumama naman si Jesus. Ngunit sumunod din sa kanya ang napakaraming tao, kaya't halos maipit na siya. Kasama rin doon ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo. Hirap na hirap na siya sa sakit na iyon, at marami nang doktor ang sumuri sa kanya. Naubos na ang kanyang ari-arian sa pagpapagamot ngunit hindi pa rin siya gumagaling. Sa halip, lalo pang lumala ang kanyang karamdaman. Nabalitaan niya ang tungkol kay Jesus kaya't nakipagsiksikan siya hanggang sa makalapit sa likuran ni Jesus, at hinipo ang damit nito, sapagkat iniisip niyang: “mahipo ko lang ang kanyang damit, gagaling na ako.” Agad ngang tumigil ang kanyang pagdurugo at naramdaman niyang magaling na siya. Naramdaman agad ni Jesus na may kapangyarihang lumabas sa kanya, kaya't bumaling siya sa mga tao at nagtanong, “Sino ang humipo sa aking damit?” Sumagot ang kanyang mga alagad, “Nakikita po ninyong napakaraming nagsisiksikan sa paligid ninyo, bakit pa ninyo itinatanong kung sino ang humipo sa damit ninyo?” Subalit lumingun-lingon si Jesus upang tingnan kung sino ang humipo sa damit niya. Palibhasa'y alam ng babae ang nangyari, siya'y nanginginig sa takot na lumapit kay Jesus, nagpatirapa, at ipinagtapat ang buong katotohanan. Subalit sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka na at ipanatag mo ang iyong kalooban. Ikaw ay magaling na.” Habang nagsasalita pa si Jesus, may ilang taong dumating mula sa bahay ni Jairo. “Patay na po ang inyong anak. Huwag na po ninyong abalahin ang Guro,” sabi nila. Ngunit nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya kay Jairo, “Huwag kang matakot; manampalataya ka lamang.” At hindi pinayagan ni Jesus na sumama sa kanya ang mga tao maliban kina Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan. Nang dumating sila sa bahay ni Jairo, nakita ni Jesus na nagkakagulo ang mga tao, may mga nag-iiyakan at nananaghoy. Pagpasok niya ay kanyang sinabi, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata. Siya'y natutulog lamang.” Dahil sa sinabi niya, pinagtawanan siya ng mga tao. Subalit pinalabas niya ang lahat maliban sa tatlong alagad at sa mga magulang ng bata, at pumasok sila sa kinaroroonan ng bata. Hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at sinabi, “Talitha koum,” na ang ibig sabihi'y “Ineng, bumangon ka!” Noon di'y bumangon ang bata at lumakad, at labis na namangha ang lahat. Ang batang ito'y labindalawang taong gulang na. Mahigpit na ipinagbilin ni Jesus na huwag nilang sasabihin kaninuman ang nangyari. Pagkatapos, iniutos niyang bigyan ng makakain ang bata. Umalis doon si Jesus at umuwi siya sa sariling bayan kasama ang kanyang mga alagad. Pagdating ng Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay nagturo sa sinagoga. Maraming tao ang nakarinig sa kanya at sa kanilang pagkamangha'y nagtanungan sila, “Saan niya natutunan ang lahat ng iyan? Anong karunungan itong ipinagkaloob sa kanya? Paano siya nakakagawa ng mga himala? Hindi ba ito ang karpinterong anak ni Maria, at kapatid nina Santiago, Jose, Judas, at Simon? Tagarito rin ang kanyang mga kapatid na babae, hindi ba?” Kaya hindi sila naniwala sa kanya. Dahil dito, sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta'y iginagalang ng lahat, maliban ng kanyang mga kababayan, mga kamag-anak, at ng kanyang pamilya.” Hindi siya nakagawa ng himala roon, maliban sa ilang maysakit na pinatungan niya ng kanyang kamay at pinagaling. Namangha siya dahil ayaw nilang maniwala sa kanya. Nilibot ni Jesus ang mga nayon sa paligid at tinuruan niya ang mga tagaroon. Tinawag niya ang Labindalawa at isinugo sila nang dala-dalawa. Sila ay binigyan niya ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu, at pinagbilinang, “Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Huwag kayong magdala ng pagkain, ng balutan o ng pera. Magsuot kayo ng sandalyas ngunit huwag kayong magdala ng bihisan.” Sinabi rin niya sa kanila, “Kapag kayo ay pinatuloy sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa inyong pag-alis sa bayang iyon. Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa, bilang babala sa mga tagaroon.” Humayo nga ang Labindalawa at nangaral na ang mga tao ay dapat magsisi at tumalikod sa kanilang mga kasalanan. Pinalayas nila ang mga demonyo mula sa mga sinasapian ng mga ito; pinahiran nila ng langis ang maraming maysakit at pinagaling ang mga ito. Nakarating kay Haring Herodes ang balita tungkol kay Jesus, sapagkat nakikilala na siya ng maraming tao. May mga nag-aakala na si Juan na Tagapagbautismo ay muling nabuhay kaya si Jesus ay nakakagawa ng mga himala. Ngunit mayroon ding nagsasabi na siya si propeta Elias. At may iba pang nagsasabing, “Siya'y isang propeta, katulad ng mga propeta noong unang panahon.” Nang ito'y marinig ni Herodes, sinabi niya, “Siya ay si Juan na aking pinapugutan ng ulo. Muli siyang nabuhay.” Si Herodes mismo ang nagpahuli at nagpabilanggo kay Juan dahil sa kagustuhan ni Herodias. (Ang babaing ito ay pinakasalan at kinakasama ni Herodes bagama't ito'y asawa ng kapatid niyang si Felipe.) Sapagkat laging sinasabi ni Juan kay Herodes, “Labag sa batas na kasamahin mo ang asawa ng inyong kapatid!” At dahil dito, si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan at ibig niya itong ipapatay. Ngunit hindi niya ito magawâ sapagkat alam niyang natatakot si Herodes kay Juan. Itinuturing ng hari na si Juan ay taong matuwid at banal, at sinisikap niyang huwag itong mapahamak. Gustung-gusto niyang makinig kay Juan kahit labis siyang nababagabag sa mga sinasabi nito. Subalit nagkaroon din ng pagkakataon si Herodias na ipapatay si Juan nang sumapit ang kaarawan ni Herodes. Si Herodes ay nagpahanda ng malaking salu-salo at inanyayahan niya ang kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea. Nang pumasok ang anak na babae ni Herodias at nagsayaw, labis na nasiyahan si Herodes at ang mga panauhin, kaya't sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo ang anumang nais mo at ibibigay ko sa iyo.” Naipangako rin niya sa dalaga na ibibigay niya kahit ang kalahati ng kanyang kaharian kung ito ang hihingin. Kaya't lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina, “Ano po ang hihingin ko?” “Ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo,” sagot ng ina. Mabilis na nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari at sinabi niya, “Ang nais ko'y ibigay ninyo sa akin ngayon din ang ulo ni Juan na Tagapagbautismo, na nakalagay sa isang pinggan.” Labis na nalungkot ang hari, subalit dahil sa kanyang sumpang narinig ng mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga. Kaagad niyang iniutos sa isang kawal na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod nga ang kawal at pinugutan niya ng ulo si Juan sa loob ng bilangguan. Inilagay niya ang ulo sa isang pinggan at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing. Bumalik kay Jesus ang mga apostol at iniulat nila sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro. Subalit napakaraming taong dumarating at umaalis, at hindi na nila makuhang kumain. Kaya't sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Magpunta tayo sa hindi mataong lugar upang makapagpahinga kayo nang kaunti.” Umalis nga silang sakay ng isang bangka, at nagpunta sa isang liblib na lugar. Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at nakaalam kung saan sila pupunta. Kaya't ang mga tao mula sa lahat ng bayan ay patakbong pumunta sa lugar na iyon at naunahan pa nila sina Jesus. Pagbaba ni Jesus sa bangka, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol, kaya't sila'y tinuruan niya ng maraming bagay. Nang dapit-hapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi, “Liblib ang pook na ito at malapit nang lumubog ang araw. Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makapunta sila sa mga karatig-nayon at bayan upang makabili ng pagkain.” Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Bigyan ninyo sila ng makakain.” Sumagot ang mga alagad, “Nais po ba ninyong bumili kami ng pagkain sa halagang dalawandaang salaping pilak?” “Ilan ang dala ninyong tinapay? Tingnan nga ninyo,” utos niya. Pagkatapos tingnan ay kanilang sinabi, “Lima po, at dalawang isda.” Iniutos ni Jesus sa mga alagad na paupuin nang pangkat-pangkat ang mga tao sa damuhan. Kaya't naupo ang mga tao nang tig-iisang daan at tiglilimampu bawat grupo. Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda; tumingala siya sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Hinati-hati niya ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Hinati-hati rin niya ang dalawang isda at ipinamahagi rin nila. Ang lahat ay nakakain at nabusog, at nang tipunin ng mga alagad ang lumabis na tinapay at isda, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing. May limanlibong lalaki ang kumain [ng tinapay]. Agad pinasakay ni Jesus sa bangka ang kanyang mga alagad. Sila ay pinauna niya sa Bethsaida, sa kabilang ibayo ng lawa, habang pinapauwi naman niya ang mga tao. Matapos magpaalam, umakyat siya sa bundok upang manalangin. Pagsapit ng gabi, nasa laot na ang bangka, habang si Jesus ay nag-iisa sa pampang. Nakita niyang nahihirapan sa pagsagwan ang kanyang mga alagad dahil pasalungat sila sa ihip ng hangin. Nang madaling-araw na, sumunod sa kanila si Jesus na naglalakad sa ibabaw ng tubig. Nang malalampasan na niya ang mga alagad, nakita ng mga ito na siya ay lumalakad sa ibabaw ng tubig. Akala nila siya ay isang multo kaya sila ay nagsisigaw. Takot na takot silang lahat, ngunit agad na sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong matakot. Ako ito! Lakasan ninyo ang inyong loob!” Sumakay siya sa bangka at pumayapa ang hangin. Sila'y lubhang namangha sapagkat hindi pa nila nauunawaan ang tungkol sa pagpapakain ng tinapay; hindi pa ito abot ng kanilang isip. Tumawid sila sa ibayo at pagdating sa Genesaret ay dumaong sila sa pampang. Pagbabang-pagbaba nila, nakilala agad siya ng mga tao. Kaya't nagmadaling nagpuntahan ang mga tao sa mga karatig-pook. Saanman nila mabalitaang naroon si Jesus, dinadala nila ang mga maysakit na nakaratay sa higaan. At saan man siya pumunta, sa nayon, sa lungsod, o sa kabukiran, agad na inilalapit sa kanya ang mga may karamdaman at ipinapakiusap sa kanya na mahawakan man lamang nila ang laylayan ng kanyang damit. At ang lahat ng makahawak dito ay gumagaling. Lumapit kay Jesus ang mga Pariseo kasama ang ilang tagapagturo ng Kautusan na galing pa sa Jerusalem. Nakita nila ang ilan sa mga alagad niya na kumakain nang marumi ang mga kamay dahil hindi nahugasan ayon sa kaugalian ng mga Judio. (Sapagkat ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo, ay hindi kumakain hangga't hindi muna sila nakapaghuhugas ng kamay ayon sa kaugaliang minana nila mula sa kanilang mga ninuno. Hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna ito hinuhugasan. Marami pa silang sinusunod na katuruang minana, tulad ng paghuhugas ng mga tasa, pitsel, sisidlang tanso, [at mga higaan]. ) Kaya tinanong si Jesus ng mga Pariseo at ng mga tagapagturo ng Kautusan, “Bakit hindi sumusunod ang mga alagad mo sa mga turo ng ating mga ninuno? Kumakain sila nang hindi man lamang naghuhugas ng kamay ayon sa kaugalian.” Sinagot sila ni Jesus, “Mga mapagkunwari! Tama nga ang sinabi ni Isaias tungkol sa inyo, nang kanyang isulat, ‘Ang paggalang sa akin ng bayang ito ay pakunwari lamang, sapagkat ito'y sa bibig at hindi sa puso bumubukal. Walang kabuluhan ang kanilang pagsamba, sapagkat itinuturo nilang galing sa Diyos ang kanilang mga utos.’ Binabaliwala ninyo ang utos ng Diyos, at ang sinusunod ninyo'y mga tradisyon ng tao.” Sinabi pa ni Jesus, “Ang gagaling ninyo! Para lamang masunod ang inyong mga tradisyon, pinapawalang-bisa ninyo ang utos ng Diyos! Halimbawa, iniutos ni Moises na ‘Igalang mo ang iyong ama at ina’, at ‘Ang sinumang lumait sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.’ Ngunit itinuturo naman ninyo na kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina, ‘Naihandog ko na sa Diyos ang mga tulong ko sa inyo’; ang taong iyon ay hindi na ninyo pinapatulong sa kanilang mga magulang. Sa gayong paraan, pinapawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga itinuturo ninyo. At marami pa kayong ginagawang katulad nito.” Muling pinalapit ni Jesus ang mga tao at sinabi sa kanila, “Makinig kayong lahat at unawain ang aking sasabihin! Hindi nagiging marumi ang isang tao dahil sa pagkaing pumapasok sa kanyang bibig, kundi dahil sa lumalabas dito. [ Makinig ang may pandinig!]” Iniwan ni Jesus ang mga tao, at nang makapasok na siya sa bahay, siya'y tinanong ng kanyang mga alagad tungkol sa talinghaga. “Pati ba naman kayo ay hindi pa rin makaunawa?” tanong ni Jesus. “Hindi ba ninyo alam na hindi nagiging marumi ang isang tao dahil sa pagkaing ipinapasok niya sa kanyang bibig, sapagkat hindi naman iyon pumapasok sa kanyang puso, kundi sa tiyan, at pagkatapos ay idinudumi.” (Sa ganitong paraan ay ipinahayag ni Jesus na ang lahat ng pagkain ay maaaring kainin.) At sinabi rin niya, “Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa kanya sa paningin ng Diyos. Sapagkat sa loob, sa puso ng tao, nagmumula ang masasamang isipang nag-uudyok sa kanya upang makiapid, magnakaw, pumatay, mangalunya, mag-imbot, gumawa ng kasamaan tulad ng pandaraya, kahalayan, pagkainggit, paninirang-puri, pagmamayabang, at kahangalan. Ang lahat ng masasamang bagay na ito ay nanggagaling sa puso at dahil sa mga ito ay nagiging marumi ang tao.” Umalis doon si Jesus at nagpunta sa lugar na malapit sa Tiro [at ng Sidon]. Tumuloy siya sa isang bahay doon at ayaw niyang malaman ninuman na naroon siya. Subalit hindi ganoon ang nangyari. Ang pagdating niya'y nabalitaan ng isang babae na may anak na babaing sinasapian ng masamang espiritu. Pumunta agad kay Jesus ang ina at nagpatirapa sa kanyang harapan. Ang babaing ito'y isang Hentil na taga-Sirofenicia. Nakiusap ito kay Jesus na palayasin ang demonyong sumapi sa kanyang anak. Ngunit sinabi ni Jesus, “Kailangang ang mga anak muna ang pakainin. Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa mga aso.” Tugon ng babae, “Tunay nga po, Panginoon, ngunit maging ang mga asong nasa ilalim ng mesa ay kumakain ng mga nalalaglag mula sa kinakain ng mga anak.” Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Dahil sa sinabi mo, maaari ka nang umuwi. Iniwan na ng demonyo ang iyong anak.” Umuwi ang babae at naratnan niya sa higaan ang bata. Iniwan na nga ito ng demonyo. Umalis si Jesus mula sa lupain ng Tiro, dumaan sa Sidon at nagtuloy sa Lawa ng Galilea. Tinahak niya ang lupain ng Decapolis. Dinala ng mga tao sa kanya ang isang lalaking bingi at may kapansanan sa pagsasalita, at nakiusap sila sa kanya na ipatong niya rito ang kanyang kamay. Inilayo muna ni Jesus sa karamihan ang lalaki, at isinuot ang kanyang mga daliri sa mga tainga nito. Pagkatapos, dumura si Jesus at ipinahid ito sa dila ng pipi. Tumingala si Jesus sa langit, nagbuntong-hininga at sinabi sa lalaki, “Effata,” na ang ibig sabihi'y, “Mabuksan!” Noon di'y nakarinig ang lalaki at nakapagsalita na nang maayos. Sinabi ni Jesus sa mga tao na huwag ipamalita ito, ngunit habang pinagbabawalan niya ang mga tao ay lalo naman nila itong ipinamamalita. Buong paghangang sinasabi nila, “Napakahusay ng lahat ng kanyang ginagawa! Binibigyan niya ng pandinig ang mga bingi at pinapagsalita ang mga pipi!” Nang mga araw na iyon, muling nagkatipon ang napakaraming tao. Wala nang makain ang mga ito kaya't tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Naaawa ako sa mga taong ito sapagkat tatlong araw na ngayong kasama ko sila at wala na silang makain. Kung pauuwiin ko sila nang gutom, mahihilo sila sa daan; malayo pa naman ang pinanggalingan ng ilan sa kanila.” “Ito po ay isang liblib na lugar. Saan po tayo kukuha ng pagkain para sa ganito karaming tao?” tanong ng mga alagad. “Ilan ang tinapay ninyo riyan?” tanong ni Jesus. “Pito po,” sagot nila. Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao at kinuha ang pitong tinapay. Nagpasalamat siya sa Diyos, hinati-hati ang mga tinapay at ibinigay sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Ganoon nga ang ginawa ng mga alagad. Mayroon din silang ilang maliliit na isda. Muli siyang nagpasalamat sa Diyos at pagkatapos ay iniutos niyang ipamahagi din iyon sa mga tao. Kumain ang lahat at nabusog. Nang tipunin nila ang lumabis, nakapuno pa sila ng pitong kaing. May apat na libong tao ang kumain. Matapos pauwiin ang mga tao, sumakay si Jesus sa bangka, kasama ang kanyang mga alagad, at nagtungo sila sa lupain ng Dalmanuta. May dumating na mga Pariseo at nakipagtalo kay Jesus. Nais nilang subukin siya kaya't hiniling nilang magpakita siya ng isang himala mula sa langit. Napabuntong-hininga si Jesus at sinabi sa kanila, “Bakit naghahanap ng himala ang mga tao sa panahong ito? Pakatandaan ninyo: hindi sila bibigyan ng hinihingi nilang himala.” At sila'y iniwan niya. Muli siyang sumakay sa bangka at tumawid sa ibayo. Nakalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay; iisa lang ang kanilang tinapay sa bangka. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang kinakalat ng mga Pariseo at ni Herodes.” Sabi nila sa isa't isa, “Wala kasi tayong dalang tinapay kaya sinabi niya iyon.” Dahil alam ni Jesus ang kanilang pinag-uusapan, sinabi niya sa kanila, “Bakit ninyo pinag-uusapang kayo'y walang dalang tinapay? Hindi pa ba kayo nakakaintindi? Hindi pa ba ito abot ng inyong isip? Wala ba kayong mata? Bakit hindi kayo makakita? Wala ba kayong tainga? Bakit hindi kayo makarinig? Hindi ba ninyo naaalala nang paghati-hatiin ko ang limang tinapay para sa limanlibong tao? Ilang kaing ang napuno ninyo ng lumabis na pagkain?” “Labindalawa po,” tugon nila. “At nang paghati-hatiin ko ang pitong tinapay para sa apat na libong tao, ilang kaing ang napuno ninyo?” tanong niya. “Pito po,” muli nilang sagot. “At hindi pa rin ba ninyo nauunawaan ito?” tanong niya. Pagdating nila sa Bethsaida, dinala ng ilang tao kay Jesus ang isang bulag at pinakiusapan nilang hipuin niya ang taong ito. Inakay niya ang bulag at dinala ito sa labas ng bayan. Matapos duraan at takpan ang mga mata nito ng kanyang kamay, tinanong ni Jesus, “May nakikita ka ba?” Tumingin ang lalaki at sumagot, “Nakakakita po ako ng mga tao, ngunit para silang mga punongkahoy na naglalakad.” Muling inilagay ni Jesus ang kanyang mga kamay sa mga mata ng bulag. Sa pagkakataong ito, tuminging mabuti ang bulag. Nanumbalik ang kanyang paningin at nakakita na siya nang malinaw. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Maaari ka nang umuwi. Huwag ka nang bumalik sa bayan.” Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa mga nayon ng Cesarea na sakop ng Filipos. Habang sila'y naglalakbay, tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin?” Sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan, kayo daw po si Juan na Tagapagbautismo; sabi naman ng iba, si Elias daw kayo; may nagsasabi ring isa raw kayo sa mga propeta.” “Ngunit kayo naman, ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?” tanong niya. Sumagot si Pedro, “Kayo po ang Cristo.” “Huwag ninyong sasabihin kaninuman kung sino ako,” mahigpit na utos niya sa kanila. Mula noon, itinuro ni Jesus sa mga alagad ang mangyayari sa kanya. Sinabi niya, “Ang Anak ng Tao ay kailangang magdanas ng matinding hirap. Siya'y itatakwil ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y ipapapatay ngunit muling mabubuhay sa ikatlong araw.” Malinaw na sinabi niya ito sa kanila at dahil dito'y dinala siya ni Pedro sa isang tabi at pinagsabihan. Ngunit tumalikod si Jesus, tumingin sa mga alagad, at sinabi kay Pedro, “Umalis ka sa harap ko, Satanas! Ang iniisip mo'y hindi galing sa Diyos kundi sa tao.” Pinalapit ni Jesus ang mga tao at ang kanyang mga alagad, at sinabi sa kanila, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay dapat itakwil ang kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin. Ang sinumang nagnanais na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito; ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Magandang Balita ay magkakamit nito. Sapagkat ano ba ang mapapala ng isang tao makamtan man niya ang buong daigdig, ngunit mapapahamak naman ang kanyang sarili? Ano ba ang maibabayad ng isang tao para mabawi niya ang kanyang buhay? Kapag ikinahiya ninyo ako at ang aking mga salita sa harap ng mga taksil at makasalanang mga tao sa panahong ito, ikakahiya rin kayo ng Anak ng Tao pagparito niya na taglay ang dakilang kapangyarihan ng kanyang Ama, at kasama ang mga banal na anghel.” Sinabi pa ni Jesus sa kanila, “Tandaan ninyo, may ilan sa inyo rito na hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikitang dumarating nang may kapangyarihan ang kaharian ng Diyos.” Pagkaraan ng anim na araw, umakyat si Jesus sa isang mataas na bundok. Wala siyang isinama roon maliban kina Pedro, Santiago at Juan. Habang sila'y naroroon, nakita ng tatlo na nagbago ang anyo ni Jesus. Nagningning sa kaputian ang kanyang kasuotan; walang sinuman sa mundo ang makapagpapaputi nang gayon. At nakita rin nila roon si Elias at si Moises na nakikipag-usap kay Jesus. Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Guro, mabuti po na nandito kami. Magtatayo po kami ng tatlong tolda, isa para sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Dahil sa kanilang matinding takot, hindi niya alam kung ano ang sasabihin niya. Nililiman sila ng makapal na ulap at mula rito'y may isang tinig na nagsabi, “Ito ang pinakamamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!” Biglang tumingin sa paligid ang mga alagad, ngunit wala silang ibang nakita maliban kay Jesus. Nang sila'y bumababa na mula sa bundok, mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus na huwag sasabihin kaninuman ang kanilang nakita hangga't hindi pa muling nabubuhay ang Anak ng Tao. Sinunod nila ang tagubiling ito, ngunit sila'y nagtanungan sa isa't isa kung ano ang kahulugan ng sinabi niyang muling pagkabuhay. At tinanong nila si Jesus, “Bakit po sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na dapat munang dumating si Elias?” Tumugon siya, “Darating nga muna si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. Ngunit bakit sinasabi din sa Kasulatan na ang Anak ng Tao'y hahamakin at magtitiis ng maraming hirap? Subalit sinasabi ko sa inyo, dumating na nga si Elias at ginawa sa kanya ng mga tao ang nais nila, ayon sa nasusulat tungkol sa kanya.” Nang magbalik sila, naratnan nila ang ibang mga alagad na napapaligiran ng napakaraming tao gayundin ng mga tagapagturo ng Kautusan na nakikipagtalo sa kanila. Nang makita si Jesus ng mga tao, nagulat sila at patakbo nilang sinalubong at binati siya. Tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad, “Ano ang inyong pinagtatalunan?” Sumagot ang isa mula sa karamihan, “Guro, dinala ko po rito sa inyo ang aking anak na lalaki dahil siya'y sinasapian ng masamang espiritu at hindi makapagsalita. Tuwing siya'y sinasapian nito, siya'y ibinubuwal; bumubula ang kanyang bibig, nagngangalit ang kanyang mga ngipin, at siya'y naninigas. Hiniling ko po sa inyong mga alagad na palayasin nila ang masamang espiritu ngunit hindi nila ito mapalayas.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Lahing walang pananampalataya! Hanggang kailan pa ba ako mananatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!” Dinala nga nila ang bata sa kanya. Nang si Jesus ay makita ng espiritu, biglang pinapangisay nito ang bata. Ang bata'y natumba sa lupa at gumulung-gulong na bumubula ang bibig. “Kailan pa siya nagkaganyan?” tanong ni Jesus sa ama. “Simula pa po noong maliit siya!” tugon niya. “Gusto po siyang patayin ng masamang espiritu. Madalas inihahagis po siya nito sa apoy at itinatapon siya sa tubig. Subalit kung may magagawa kayo, kami po ay kaawaan at tulungan ninyo.” “Kung may magagawa ako?” tanong ni Jesus. “Mangyayari ang lahat sa sinumang may pananampalataya.” Agad namang sumagot ang ama ng bata, “Naniniwala po ako! Tulungan po ninyo akong madagdagan pa ang aking pananampalataya.” Nang makita ni Jesus na dumadami ang mga tao, sinabi niya sa masamang espiritu, “Inuutusan kita, espiritu ng pagkapipi at pagkabingi, lumabas ka sa bata at huwag ka nang babalik sa kanya!” Nagsisigaw ang masamang espiritu, pinangisay ang bata at saka lumabas. Nagmistulang bangkay ang bata kaya't sinabi ng marami, “Patay na siya!” Ngunit ang bata'y hinawakan ni Jesus sa kamay, ibinangon, at ito'y tumayo. Nang pumasok si Jesus sa bahay, palihim siyang tinanong ng kanyang mga alagad, “Bakit po hindi namin napalayas ang masamang espiritung iyon?” Sumagot si Jesus, “Mapapalayas lamang ang ganitong uri ng espiritu sa pamamagitan ng panalangin.” Pag-alis nila roon, nagdaan sila sa Galilea. Ayaw niyang malaman ng mga tao ang kanyang kinaroroonan, dahil tinuturuan niya noon ang kanyang mga alagad na ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa mga taong papatay sa kanya, ngunit siya'y mabubuhay muli pagkatapos ng tatlong araw. Ngunit hindi nila naunawaan ang kanyang sinabi, at natatakot din naman silang magtanong sa kanya. Dumating sila sa Capernaum. Nang sila'y nasa bahay na, tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad, “Ano ang pinagtatalunan ninyo sa daan?” Hindi sila makasagot sapagkat ang pinagtatalunan nila'y kung sino sa kanila ang pinakadakila. Naupo si Jesus, tinawag ang Labindalawa at sinabi sa kanila, “Ang sinumang nagnanais maging una ay dapat maging huli sa lahat, at maging lingkod ng lahat.” Tinawag niya ang isang bata at pinatayo sa gitna nila. Pagkatapos, kinalong niya ito at sinabi sa kanyang mga alagad, “Ang sinumang tumatanggap sa isang batang tulad nito alang-alang sa aking pangalan ay ako ang tinatanggap; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay hindi lamang ako ang kanyang tinatanggap kundi pati na rin ang nagsugo sa akin.” Sinabi sa kanya ni Juan, “Guro, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ng inyong pangalan. Pinagbawalan namin siya dahil hindi natin siya kasamahan.” Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan sapagkat ang taong gumagawa ng himala sa pamamagitan ng pangalan ko ay hindi magsasalita ng masama laban sa akin pagkatapos gawin ito. Sapagkat ang sinumang hindi laban sa atin ay panig sa atin. Tandaan ninyo: ang sinumang magbigay sa inyo ng isang basong tubig dahil sa kayo'y tagasunod ko ay tiyak na tatanggap ng gantimpala.” “Mabuti pa sa isang tao ang siya'y bitinan sa leeg ng isang malaking gilingang-bato at itapon sa dagat kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng isa sa maliliit na ito na nananalig [sa akin.] Kung ang kamay mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito! Mas mabuti pa ang pumasok sa buhay na walang hanggan na putol ang isang kamay, kaysa may dalawang kamay na mapunta ka sa impiyerno, sa apoy na hindi namamatay. [ Doo'y hindi namamatay ang mga uod na kumakain sa kanila at ang apoy.] Kung ang paa mo ang nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, putulin mo ito! Mabuti pa ang pumasok sa buhay na walang hanggan na putol ang isang paa, kaysa may dalawang paa na mapunta ka sa impiyerno. [ Doo'y hindi namamatay ang mga uod na kumakain sa kanila at ang apoy.] At kung ang isang mata mo ay nagiging sanhi ng iyong pagkakasala, dukitin mo ito! Mabuti pang pumasok ka sa kaharian ng Diyos na iisa lang ang mata, kaysa may dalawang mata ngunit itatapon ka naman sa impiyerno. Doo'y hindi namamatay ang mga uod na kumakain sa kanila, at ang apoy ay hindi napapatay. “Sapagkat ang bawat isa'y dadalisayin sa apoy [at ang bawat handog sa Diyos ay lalagyan ng asin.] Mabuti ang asin, ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Taglayin ninyo ang katangian ng asin, at mamuhay kayong may kapayapaan sa isa't isa.” Pag-alis doon, si Jesus ay nagpunta sa lupain ng Judea at tumawid sa ibayo ng Ilog Jordan. Muling dumagsa ang maraming tao at tulad ng kanyang palaging ginagawa, sila'y kanyang tinuruan. May ilang Pariseong gustong subukin si Jesus; kaya't lumapit sila at nagtanong, “Naaayon po ba sa Kautusan na hiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa?” Sumagot siya, “Ano ba ang utos ni Moises sa inyo?” Sumagot naman sila, “Ipinahintulot po ni Moises na ang lalaki ay gumawa ng kasulatan ng paghihiwalay bago niya hiwalayan at palayasin ang kanyang asawa.” Ngunit sinabi ni Jesus, “Ginawa ni Moises ang utos na iyon dahil sa katigasan ng inyong ulo. Subalit simula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, nilalang niya ang tao na lalaki at babae. ‘Dahil dito'y iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina, [magsasama sila ng kanyang asawa] at ang dalawa'y magiging isa.’ Hindi na sila dalawa kundi isa. Ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.” Pagdating sa bahay, ang mga alagad naman ang nagtanong kay Jesus tungkol sa bagay na ito. Sinabi niya sa kanila, “Kapag hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa at mag-asawa ng iba, siya ay nagkakasala ng pangangalunya sa kanyang asawa. Gayon din naman, ang babaing humiwalay sa kanyang asawa at mag-asawa ng iba ay nagkakasala rin ng pangangalunya.” May mga taong nagdala ng mga bata kay Jesus upang hilinging ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay, ngunit sinaway sila ng mga alagad. Nagalit si Jesus nang makita ito at sinabi sa kanila, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata, at huwag ninyo silang pagbawalan, sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng Diyos. Tandaan ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos, tulad sa pagtanggap ng isang bata, ay hinding-hindi makakapasok sa kaharian ng Diyos.” Kinalong ni Jesus ang mga bata, ipinatong ang kanyang mga kamay sa kanila at binasbasan sila. Nang siya'y paalis na, may isang lalaking patakbong lumapit kay Jesus, lumuhod sa harapan niya at nagtanong, “Mabuting Guro, ano po ba ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?” Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang. Alam mo ang mga utos ng Diyos, ‘Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; huwag kang mandaraya; igalang mo ang iyong ama at ina.’” Sumagot ang lalaki, “Guro, mula pa sa aking pagkabata ay tinupad ko na ang lahat ng mga iyan.” Magiliw siyang tiningnan ni Jesus at sinabi, “May isang bagay pa na dapat mong gawin. Ipagbili mo ang iyong mga ari-arian at ipamigay mo sa mahihirap, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” Nang marinig ito ng lalaki, siya'y nanlumo at malungkot na umalis sapagkat siya'y lubhang napakayaman. Tiningnan ni Jesus ang mga nasa paligid niya at sinabi sa mga alagad, “Tunay ngang napakahirap para sa mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos!” Nagtaka ang mga alagad sa sinabi niyang ito. Ngunit muling sinabi ni Jesus, “Mga anak, talagang napakahirap [para sa mga mayayaman na] makapasok sa kaharian ng Diyos! Mas madali pang dumaan ang kamelyo sa butas ng karayom kaysa isang mayaman na pumasok sa kaharian ng Diyos.” Lalong nagtaka ang mga alagad, kaya't nagtanong sila, “Kung gayon, sino pa kaya ang maliligtas?” Tiningnan sila ni Jesus at sinabi sa kanila, “Hindi ito kayang gawin ng tao, ngunit hindi ito imposible sa Diyos. Sapagkat ang lahat ng bagay ay kayang gawin ng Diyos.” At nagsalita si Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan na namin ang lahat at kami'y sumunod sa inyo.” Sumagot si Jesus, “Tandaan ninyo: ang sinumang nag-iwan ng kanyang tahanan, o mga kapatid, mga magulang, mga anak, mga lupain, dahil sa akin at sa Magandang Balita, ay tatanggap sa buhay na ito ng isandaang ulit pa ng mga iyon; mga bahay, mga kapatid, mga ina, mga anak, at mga lupain, ngunit may kalakip na pag-uusig. At sa panahong darating, magtatamo siya ng buhay na walang hanggan. Ngunit maraming nauuna na mahuhuli, at maraming nahúhulí ang mauuna.” Nasa daan sila papuntang Jerusalem. Nauuna sa kanila si Jesus; nangangamba ang mga alagad at natatakot naman ang ibang mga taong sumusunod sa kanya. Muling ibinukod ni Jesus ang Labindalawa at sinabi sa kanila ang mangyayari sa kanya. Sabi niya, “Papunta tayo ngayon sa Jerusalem kung saan ang Anak ng Tao'y ipagkakanulo sa mga punong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y hahatulan nila ng kamatayan at ibibigay sa mga Hentil. Siya ay kanilang hahamakin, duduraan, hahagupitin, at papatayin. Ngunit pagkaraan ng tatlong araw, siya'y muling mabubuhay.” Lumapit kay Jesus ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan. Sinabi nila, “Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo.” “Ano ang nais ninyo?” tanong ni Jesus. Sumagot sila, “Sana po ay makasama kami sa inyong karangalan at maupo ang isa sa kanan at isa sa kaliwa.” Ngunit sabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Makakaya ba ninyong tiisin ang hirap na aking daranasin? Makakaya ba ninyo ang bautismong ibabautismo sa akin?” “Opo,” tugon nila. Sinabi ni Jesus, “Ang kopang aking iinuman ay iinuman nga ninyo, at babautismuhan nga kayo sa bautismong tatanggapin ko. Ngunit hindi ako ang magpapasya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga karangalang iyan ay para sa mga pinaglaanan.” Nang malaman ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. Kaya't pinalapit sila ni Jesus at sinabi, “Alam ninyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga Hentil ay namumuno bilang mga panginoon sa kanila, at ang kagustuhan ng mga nasa kapangyarihan ang siyang nasusunod. Ngunit hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na nais maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo, at ang sinumang nais maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at upang mag-alay ng kanyang buhay para sa ikatutubos ng marami.” Dumating sina Jesus sa Jerico. Nang papaalis na siya kasama ang kanyang mga alagad at marami pang iba, may nadaanan silang isang bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. Siya'y si Bartimeo na anak ni Timeo. Nang marinig ng bulag na ang nagdaraan ay si Jesus na taga-Nazaret, sumigaw siya nang sumigaw, “Jesus, Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” Pinagsabihan siya ng mga taong naroroon upang tumahimik, ngunit lalo pa siyang nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” Tumigil si Jesus at kanyang sinabi, “Dalhin ninyo siya rito.” At tinawag nga nila ang bulag. “Lakasan mo ang iyong loob. Tumayo ka. Ipinapatawag ka ni Jesus,” sabi nila. Inihagis niya ang kanyang balabal, paluksong tumayo at lumapit kay Jesus. “Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?” tanong sa kanya ni Jesus. Sumagot ang bulag, “Guro, gusto ko pong makakitang muli.” Sinabi ni Jesus, “Makakaalis ka na. Magaling ka na dahil sa iyong pananampalataya.” Noon di'y nakakita siyang muli, at sumunod kay Jesus. Narating nina Jesus ang mga bayan ng Bethfage at Bethania, malapit sa may Bundok ng mga Olibo. Nang papalapit na sila sa Jerusalem, pinauna ni Jesus ang dalawa sa mga alagad at sinabi sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Pagpasok na pagpasok, makikita ninyo ang isang batang asno na hindi pa nasasakyan ninuman. Kalagan ninyo iyon at dalhin dito. Kapag may nagtanong kung bakit ninyo kinakalagan iyon, sabihin ninyong iyon ay kailangan ng Panginoon at ibabalik din niya agad.” Kaya't lumakad ang dalawang alagad at nakita nga nila ang batang asno sa tabi ng daan, nakatali ito sa may pinto ng isang bahay. Nang kinakalagan na nila ang hayop, tinanong sila ng ilang nakatayo roon, “Bakit ninyo kinakalagan iyan?” Sumagot sila gaya ng bilin ni Jesus, at hinayaan na silang umalis. Dinala nila kay Jesus ang batang asno. Matapos isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal ay sumakay si Jesus. Marami ang naglatag ng kanilang mga balabal sa daan, samantalang ang iba nama'y pumutol ng madahong sanga ng kahoy at iyon ang kanilang inilatag sa daan. Ang mga tao sa unahan at sa hulihan ni Jesus ay sumisigaw ng ganito, “Purihin ang Diyos! Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Pagpalain ang malapit nang itatatag na kaharian ng ating amang si David! Purihin ang Panginoon sa Kataas-taasan!” Pumunta si Jesus sa Jerusalem at pumasok sa Templo at tiningnan niya ang lahat ng bagay doon. At dahil gumagabi na, lumabas siya at nagbalik sa Bethania na kasama ang Labindalawa. Kinabukasan, nang pabalik na sila mula sa Bethania, si Jesus ay nakaramdam ng gutom. Nakita niya sa di-kalayuan ang isang malagong puno ng igos. Nilapitan niya ito upang tingnan kung may bunga. Dahil hindi pa panahon ng igos noon, wala siyang nakita kundi mga dahon lamang. Kaya't sinabi niya sa puno ng igos, “Wala nang makakakain pa ng iyong bunga.” Ang sinabi niyang iyon ay narinig ng kanyang mga alagad. Pagdating nila sa Jerusalem, si Jesus ay pumasok sa Templo. Ipinagtabuyan niya ang mga nagbebenta at namimili roon, at ipinagtataob niya ang mga mesa ng mga namamalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng kalapati. Pinagbawalan din niyang tumawid sa patyo ng Templo ang mga may dalang paninda at tinuruan niya ang mga tao nang ganito, “Nasusulat, ‘Ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.’ Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw!” Narinig ito ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Buhat noo'y humanap na sila ng paraan upang patayin si Jesus. Subalit natatakot sila sa kanya dahil humahanga ang lahat sa kanyang mga turo. Pagsapit ng gabi, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay muling lumabas ng lungsod. Kinaumagahan, pagdaan nila'y nakita nilang natuyo ang puno ng igos hanggang sa mga ugat nito. Naalala ni Pedro ang nangyari dito kaya't kanyang sinabi kay Jesus, “Guro, tingnan ninyo! Patay na ang puno ng igos na isinumpa ninyo.” Sumagot si Jesus, “Manalig kayo sa Diyos. Tandaan ninyo ito: kung kayo'y nananampalataya sa Diyos at hindi kayo nag-aalinlangan, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, ‘Umalis ka riyan at tumalon ka sa dagat,’ at ito nga ay mangyayari. Kaya't sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa inyong panalangin, maniwala kayong natanggap na ninyo iyon, at matatanggap nga ninyo iyon. Kapag kayo'y tumayo upang manalangin, patawarin muna ninyo ang nagkasala sa inyo upang ang inyong mga kasalanan ay patawarin din ng inyong Ama na nasa langit. [ Ngunit kung hindi kayo magpapatawad, hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama na nasa langit.] ” Muli silang pumasok sa Jerusalem. Habang si Jesus ay naglalakad sa patyo ng Templo, nilapitan siya ng mga punong pari, ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga pinuno ng bayan. Siya'y tinanong nila, “Ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng ganyang karapatan?” Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko kayo. Sagutin ninyo ito at sasabihin ko sa inyo kung kanino galing ang karapatan kong gumawa ng mga bagay na ito. Sabihin ninyo sa akin, kanino galing ang karapatan ni Juan na magbautismo: sa Diyos ba o sa mga tao?” At sila'y nag-usap-usap, “Kung sasabihin nating galing sa Diyos, itatanong naman niya sa atin kung bakit hindi natin pinaniwalaan si Juan. Ngunit kung sasabihin naman nating galing sa tao, baka kung ano naman ang gawin sa atin ng mga tao.” Nangangamba sila sapagkat naniniwala ang marami na si Juan ay isang tunay na propeta. Kaya't ganito ang kanilang isinagot: “Hindi namin alam.” “Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung kanino galing ang karapatan kong gawin ang mga ito,” tugon ni Jesus sa kanila. At tinuruan ni Jesus ang mga tao sa pamamagitan ng mga talinghaga. Sinabi niya, “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Pinabakuran niya ang ubasan, nagpagawa ng pisaan ng ubas at nagpatayo ng isang tore. Pagkatapos, pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at siya'y nagpunta sa ibang lupain. Nang dumating ang panahon ng pag-aani ng ubas, pinapunta niya ang isang alipin upang kunin sa mga magsasaka ang kanyang bahagi. Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang utusan, binugbog at saka pinauwing walang dala. Muling nagsugo ang may-ari ng isa pang alipin, ngunit ito ay hinampas sa ulo at nilait-lait ng mga magsasaka. Nagsugo na naman ang may-ari ng isa pang alipin ngunit pinatay naman nila ito. Ganoon din ang ginawa nila sa marami pang iba, may binugbog at may pinatay. Hindi nagtagal, iisa na lang ang natitirang maaaring papuntahin ng may-ari, ang kanyang minamahal na anak. Kaya't pinapunta niya ito sa pag-aakalang igagalang nila ang kanyang anak. Ngunit nag-usap-usap ang mga magsasaka, ‘Iyan ang tagapagmana. Halikayo, patayin natin siya upang mapasaatin lahat ng kanyang mamanahin.’ Kaya't sinunggaban nila at pinatay ito, at pagkatapos ay itinapon ang kanyang bangkay sa labas ng ubasan. “Ano kaya ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Pupuntahan niya at papatayin ang mga magsasakang iyon, at ang ubasan ay ipapamahala niya sa iba. Hindi ba ninyo nabasa ang sinasabi sa kasulatan? ‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong-panulukan. Ito'y ginawa ng Panginoon, at kahanga-hangang pagmasdan.’” Nang mahalata ng mga pinuno ng mga Judio na sila ang tinutukoy ni Jesus sa mga talinghagang iyon, tinangka nilang dakpin siya. Subalit hindi nila ito magawa sapagkat natatakot sila sa mga tao. Kaya't umalis na lamang sila at iniwan si Jesus. Ilang Pariseo at ilan sa mga tagasunod ni Herodes ang pinapunta kay Jesus upang siluin siya sa kanyang pananalita. Kaya lumapit sila sa kanya at sinabi, “Guro, nalalaman po naming kayo'y tapat at walang kinikilingan. Pantay-pantay ang pagtingin ninyo sa lahat ng tao at itinuturo ninyo ang tunay na kalooban ng Diyos para sa tao. Nais po naming itanong kung labag sa Kautusan ang magbayad ng buwis sa Emperador. Dapat po ba kaming magbayad ng buwis o hindi?” Alam ni Jesus na sila'y nagkukunwari lamang, kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit ba ninyo ako sinusubok? Bigyan ninyo ako ng isang salaping pilak. ” At siya nga ay binigyan nila ng salaping pilak. “Kaninong larawan at pangalan ang nakaukit dito?” tanong ni Jesus sa kanila. “Sa Emperador po,” tugon nila. Sinabi ni Jesus, “Ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Diyos ang para sa Diyos.” At sila'y labis na namangha sa kanya. May ilang Saduseo na lumapit kay Jesus upang magtanong. Ang mga ito ay nagtuturo na hindi muling mabubuhay ang mga patay. Sinabi nila, “Guro, isinulat po ni Moises para sa atin, ‘Kapag namatay ang isang lalaki at naiwang walang anak ang kanyang asawa, ang kapatid ng lalaki ay dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.’ Mayroon pong pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, subalit siya'y namatay na walang anak. Pinakasalan ng pangalawang kapatid ang biyuda subalit namatay rin ang lalaki na walang anak. Ganoon din ang nangyari sa pangatlo. Isa-isang napangasawa ng babae ang pitong magkakapatid at silang lahat ay namatay na walang anak. Sa kahuli-huliha'y ang babae naman ang namatay. [Kapag binuhay na muli ang mga patay] sa araw ng muling pagkabuhay, sino po ba sa pitong magkakapatid ang kikilalaning asawa ng babaing iyon, sapagkat silang lahat ay napangasawa niya?” Sumagot si Jesus, “Maling-mali kayo dahil hindi ninyo nauunawaan ang itinuturo ng Kasulatan at ang kapangyarihan ng Diyos. Sa muling pagkabuhay, ang mga tao'y hindi na mag-aasawa; sila'y magiging katulad na ng mga anghel sa langit. Tungkol naman sa muling pagkabuhay, hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises, sa kasaysayan ng nagliliyab na mababang puno, ang sinabi ng Diyos sa kanya? Ito ang sinabi niya, ‘Ako ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.’ Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay; siya ang Diyos ng mga buháy. Talagang maling-mali kayo!” Ang kanilang pagtatalo ay narinig ng isa sa mga tagapagturo ng Kautusan na naroon. Nakita niyang mahusay ang pagkasagot ni Jesus sa mga Saduseo kaya siya naman ang lumapit upang magtanong, “Alin po ba ang pinakamahalagang utos?” Sumagot si Jesus, “Ito ang pinakamahalagang utos: ‘Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon na ating Diyos—siya lamang ang Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, buong pag-iisip mo at buong lakas mo.’ Ito naman ang pangalawa, ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’ Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.” Wika ng tagapagturo ng Kautusan, “Tama po, Guro! Totoo ang sinabi ninyo. Iisa nga ang Diyos at wala nang iba liban sa kanya. At higit na mahalaga ang umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip at buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng pag-ibig sa sarili, kaysa magdala ng lahat ng handog na susunugin at iba pang mga alay.” Nakita ni Jesus na maganda ang sagot nito kaya't sinabi niya, “Hindi ka na nalalayo sa kaharian ng Diyos.” At mula noon ay wala nang nangahas na magtanong kay Jesus. Habang si Jesus ay nagtuturo sa Templo, sinabi niya, “Bakit sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na ang Cristo ay anak ni David? Hindi ba't si David na rin ang nagpahayag ng ganito nang siya'y gabayan ng Espiritu Santo: “Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, ‘Maupo ka sa kanan ko, hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.’” Si David na rin ang tumawag sa kanya ng Panginoon; paano siya magiging anak ni David?” Napakaraming tao ang malugod na nakikinig sa kanya. Sa kanyang pagtuturo, sinabi ni Jesus, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan na mahilig magpalakad-lakad na suot ang kanilang mahahabang damit at gustung-gustong binabati nang may paggalang sa mga pamilihan. Ang gusto nila ay ang mga natatanging upuan sa mga sinagoga at ang mga upuang pandangal sa mga handaan. Inuubos nila ang kabuhayan ng mga biyuda at ang mahahaba nilang dasal ay mga pagkukunwari lamang. Dahil diyan, mas mabigat na parusa ang igagawad sa kanila.” Naupo si Jesus sa tapat ng hulugan ng mga kaloob sa Templo, at pinagmasdan ang mga naghuhulog ng salapi. Napansin niyang maraming mayayaman ang naghuhulog ng malalaking halaga. Lumapit naman ang isang biyudang dukha at naghulog ng dalawang salaping tanso. Tinawag ni Jesus ang kanyang mga alagad at sinabi sa kanila, “Sinasabi ko sa inyo, ang inihandog ng biyudang iyon ay higit na marami kaysa sa inihulog nilang lahat. Sapagkat ang lahat ay nagkaloob ng bahagi lamang ng kanilang kayamanan, ngunit ang ibinigay ng babaing iyon, bagama't siya'y dukha, ay ang buo niyang ikinabubuhay.” Nang palabas na si Jesus sa Templo, sinabi sa kanya ng isa sa kanyang mga alagad, “Guro, tingnan po ninyo! Napakalaki at napakaganda ng mga gusali at ng mga batong ginamit dito!” Sumagot si Jesus, “Nakikita mo ba ang naglalakihang gusaling iyan? Walang batong magkapatong na matitira diyan. Magigiba lahat iyan.” Habang nakaupo si Jesus sa Bundok ng mga Olibo, sa may tapat ng Templo, palihim siyang tinanong nina Pedro, Santiago, Juan at Andres, “Kailan po ba mangyayari ang mga bagay na ito, at ano po ba ang palatandaan na ang lahat ng mga ito'y malapit nang maganap?” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo malinlang ninuman. Maraming darating at gagamitin ang aking pangalan. Sila ay magpapanggap na sila ang Cristo, at ililigaw nila ang marami. Huwag kayong mababagabag kung makabalita kayo ng mga digmaan at mga usap-usapan tungkol sa digmaan. Dapat mangyari ang mga ito, ngunit hindi pa ito ang wakas. Sapagkat maglalaban-laban ang mga bansa at ang mga kaharian. Lilindol sa iba't ibang dako, at magkakaroon ng mga taggutom. Ang mga ito'y pasimula pa lamang ng paghihirap na tulad ng nararanasan ng isang nanganganak. “Mag-ingat kayo! Sapagkat kayo'y darakpin at isasakdal sa mga Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, hahagupitin sa mga sinagoga, at dadalhin kayo sa mga gobernador at mga hari nang dahil sa inyong pagsunod sa akin, upang magpatotoo sa kanila. Ngunit kailangan munang maipangaral sa lahat ng bansa ang Magandang Balita. Kapag kayo'y dinakip nila at nilitis, huwag kayong mabahala kung ano ang sasabihin ninyo. Sa oras na iyon, sabihin ninyo ang mga salitang ibibigay sa inyo, sapagkat hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu Santo. Ipagkakanulo ng kapatid ang kanyang sariling kapatid upang ipapatay, gayundin ang gagawin ng ama sa kanyang anak, at lalabanan naman ng mga anak ang kanilang mga magulang at ipapapatay ang mga ito. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa pagsunod sa akin, ngunit ang manatiling matatag hanggang sa wakas ang siyang maliligtas.” “Kapag nakita na ninyo ang kasuklam-suklam na kalapastanganan na nasa dakong di dapat kalagyan (unawain ito ng nagbabasa), ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papuntang kabundukan. Ang nasa bubungan ay huwag nang mag-aksaya ng panahon na kumuha pa ng kahit ano sa loob ng bahay, at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi pa upang kumuha ng balabal. Sa mga araw na iyon, kawawa ang mga nagdadalang-tao at mga nagpapasuso! Ipanalangin ninyong huwag mangyari ang mga ito sa panahon ng taglamig, sapagkat sa mga araw na iyon ang mga tao'y magdaranas ng matinding kapighatian na hindi pa nararanasan mula nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, at hindi na muling mararanasan pa kahit kailan. At kung hindi pinaikli ng Panginoon ang mga araw na iyon, walang sinumang makakaligtas; subalit alang-alang sa kanyang mga hinirang, pinaikli niya ang mga iyon. “Kung may magsabi sa inyo, ‘Narito ang Cristo!’ o kaya'y ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniniwala. Sapagkat may mga magpapanggap na Cristo at may mga magpapanggap na propeta. Magpapakita sila ng mga himala at mga kababalaghan upang iligaw, kung maaari, maging ang mga hinirang ng Diyos. Kaya't mag-ingat kayo. Sinasabi ko na sa inyo ang lahat ng bagay bago pa man ito mangyari.” “Subalit sa mga araw na iyon, pagkatapos ng kapighatiang iyon, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at magugulo ang mga kapangyarihan sa kalawakan. Pagkatapos, makikita nila ang Anak ng Tao na nasa ulap, may dakilang kapangyarihan at karangalan. Susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na sulok ng daigdig upang tipunin ng mga ito ang mga hinirang ng Diyos.” “Unawain ninyo ang aral mula sa puno ng igos; kapag sumisibol na ang mga sanga nito at nagkakadahon na, alam ninyong malapit na ang tag-araw. Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga bagay na ito, malalaman ninyong malapit na ang kanyang pagdating; siya'y halos naririto na. Tandaan ninyo: magaganap ang lahat ng ito bago lumipas ang kasalukuyang salinlahi. Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga salita ay mananatili magpakailanman.” “Ngunit walang nakakaalam ng araw o ng oras na iyon, kahit ang mga anghel sa langit, o ang Anak man. Ang Ama lamang ang nakakaalam nito. Mag-ingat kayo at maging handa dahil hindi ninyo alam kung kailan ito mangyayari. Ang katulad nito'y isang taong maglalakbay sa malayo. Iniwan niya ang kanyang tahanan sa pamamahala ng kanyang mga alipin. Binigyan niya ang bawat isa ng kanya-kanyang gawain, at inutusan niya ang tanod na magbantay. Gayundin naman, magbantay kayong lagi dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang panginoon ng sambahayan. Ito'y maaaring sa takipsilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya'y sa umaga. Baka siya'y biglang dumating at maratnan kayong natutulog. Ang sinasabi ko sa inyo'y sinasabi ko sa lahat. Maging handa kayo!” Dalawang araw na lamang at Pista na ng Paskwa at ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Ang mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan ay patuloy na naghahanap ng paraan upang maipadakip si Jesus nang palihim at maipapatay. “Huwag sa kapistahan at baka magkagulo ang mga tao,” sabi nila. Nasa Bethania noon si Jesus, sa bahay ni Simon na may ketong. Habang siya'y kumakain, dumating ang isang babaing may dalang isang sisidlang alabastro na puno ng napakamahal na pabango mula sa katas ng purong nardo. Binasag niya ang sisidlan at ibinuhos ang pabango sa ulo ni Jesus. Nagalit ang ilang naroroon at sila'y nag-usap-usap, “Bakit niya inaksaya ang pabango? Maaaring ipagbili iyon nang mahigit sa tatlong daang salaping pilak at maibigay sa mga dukha ang pinagbilhan!” At pinagalitan nila ang babae. Ngunit sinabi naman ni Jesus, “Bakit ninyo siya ginugulo? Pabayaan ninyo siya! Isang mabuting bagay ang ginawa niyang ito sa akin. Sapagkat habang panaho'y kasama ninyo ang mga dukha, at anumang oras ninyong naisin ay makakagawa kayo sa kanila ng mabuti. Ngunit ako'y hindi ninyo kasama habang panahon. Ginawa niya ang kanyang makakaya; hindi pa ma'y binuhusan na niya ng pabango ang aking katawan bilang paghahanda sa paglilibing sa akin. Tandaan ninyo, saanman sa buong mundo ipangaral ang Magandang Balita, ang ginawa ng babaing ito ay ipahahayag bilang pag-alaala sa kanya.” Si Judas Iscariote, na kabilang sa Labindalawa, ay pumunta sa mga punong pari upang ipagkanulo si Jesus. Natuwa sila nang marinig nila ang alok ni Judas at nangakong bibigyan siya ng salapi. Mula noo'y humanap na si Judas ng pagkakataong maipagkanulo si Jesus. Unang araw noon ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, araw ng paghahain ng korderong pampaskwa. Tinanong si Jesus ng kanyang mga alagad, “Saan po ninyo nais na maghanda kami ng hapunang pampaskwa?” Inutusan niya ang dalawa sa kanyang mga alagad, “Pumunta kayo sa bayan at may masasalubong kayong isang lalaking may dalang banga ng tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na kanyang papasukan at sabihin ninyo sa may-ari, ‘Ipinapatanong po ng Guro kung mayroon kayong silid na maaaring magamit niya at ng kanyang mga alagad para sa hapunang pampaskwa.’ At ituturo niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na mayroon nang kagamitan. Doon kayo maghanda para sa atin.” Nagpunta nga sa bayan ang mga alagad at natagpuan nila roon ang lahat, gaya ng sinabi ni Jesus sa kanila. At inihanda nila ang hapunang pampaskwa. Kinagabihan, dumating si Jesus na kasama ang Labindalawa. Habang sila'y kumakain, sinabi ni Jesus, “Tandaan ninyo ito: isa sa inyo na kasalo ko ngayon ay magkakanulo sa akin.” Nalungkot ang mga alagad, at ang bawat isa ay nagtanong sa kanya, “Hindi ako iyon, di po ba, Panginoon?” Sumagot siya, “Isa siya sa inyong labindalawa, na kasabay ko sa pagsawsaw ng tinapay sa mangkok. Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa nasusulat tungkol sa kanya, subalit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya! Mabuti pa sa taong iyon ang hindi na siya ipinanganak.” Habang kumakain sila, si Jesus ay dumampot ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pagkatapos, kanyang pinaghati-hati ang tinapay at iniabot sa mga alagad. Sinabi niya, “Kunin ninyo ito; ito ang aking katawan.” Dumampot din siya ng kopa at matapos magpasalamat sa Diyos ay iniabot din niya iyon sa mga alagad, at uminom silang lahat. Sinabi niya, “Ito ang aking dugo; pinapagtibay nito ang tipan ng Diyos. Ang aking dugo ay mabubuhos para sa marami. Tandaan ninyo: hinding-hindi na ako muling iinom pa ng katas ng ubas hanggang sa araw na inumin kong panibago sa kaharian ng Diyos.” Umawit sila ng isang himno, at pagkatapos ay nagpunta sila sa Bundok ng mga Olibo. Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako'y iiwan ninyong lahat, sapagkat sinasabi sa kasulatan, ‘Papatayin ko ang pastol at magkakawatak-watak ang mga tupa.’ Ngunit pagkatapos na ako'y muling buhayin, mauuna ako sa inyo sa Galilea.” Sumagot si Pedro, “Kahit na po kayo iwan ng lahat, hindi ko kayo iiwan.” Sabi ni Jesus sa kanya, “Tandaan mo, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok nang makalawa, tatlong beses mo akong ikakaila.” Subalit lalong ipinagdiinan ni Pedro, “Kahit ako'y pataying kasama ninyo, hindi ko kayo ikakaila.” Ganoon din ang sinabi ng lahat. Dumating sila sa isang lugar na tinatawag na Getsemani. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Maupo muna kayo rito habang ako'y nananalangin.” At isinama niya sina Pedro, Santiago at Juan. Nagsimulang mabagabag at maghirap ang kanyang kalooban. Sinabi niya sa kanila, “Ang puso ko'y labis na nalulungkot at ako'y halos mamatay na! Maghintay kayo rito at magbantay.” Lumayo siya nang kaunti, at pagkatapos ay nagpatirapa upang manalangin na kung maaari'y huwag nang sumapit sa kanya ang oras ng paghihirap. Nanalangin siya, “Ama ko, Ama ko! Magagawa mo ang lahat ng bagay. Alisin mo sa akin ang paghihirap na ito, ngunit hindi ang kalooban ko kundi ang kalooban mo ang masunod.” Nagbalik siya at dinatnan niyang natutulog ang tatlong alagad. Sinabi niya kay Pedro, “Natutulog ka ba, Simon? Hindi ka ba makapagbantay kahit isang oras man lamang? Magbantay kayo at manalangin upang huwag kayong madaig ng tukso. Ang espiritu'y nakahanda ngunit ang laman ay mahina.” Muling lumayo si Jesus upang manalangin at inulit niya ang kanyang kahilingan. Nagbalik siyang muli sa kanyang mga alagad, at sila'y naratnan niyang natutulog dahil sila'y antok na antok. At hindi nila malaman kung ano ang kanilang isasagot sa kanya. Sa ikatlo niyang pagbabalik ay sinabi niya sa kanila, “Natutulog pa ba kayo at namamahinga? Tama na, sapagkat dumating na ang oras upang ang Anak ng Tao'y ibigay sa kamay ng mga makasalanan. Bumangon kayo! Narito na ang magkakanulo sa akin.” Nagsasalita pa si Jesus nang dumating si Judas na kabilang sa Labindalawa. May kasama siyang maraming tao na may mga dalang tabak at pamalo. Sila'y isinugo ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at mga pinuno ng bayan. Bago pa man dumating, nagbigay na si Judas ng isang hudyat, “Kung sino ang hahalikan ko, siya iyon. Dakpin ninyo siya at bantayang mabuti.” Pagdating ni Judas, agad siyang lumapit kay Jesus. “Guro!” ang bati niya, at ito'y kanyang hinalikan. Agad ngang sinunggaban at dinakip ng mga tao si Jesus. Bumunot ng tabak ang isa sa mga nakatayo roon at tinaga ang alipin ng pinakapunong pari, at natagpas ang tainga niyon. Sinabi ni Jesus sa mga tao, “Ako ba'y tulisan at naparito kayong may dalang tabak at pamalo upang ako'y dakpin? Araw-araw akong nagtuturo sa Templo at naroon din kayo, ngunit hindi ninyo ako dinakip. Subalit kailangang matupad ang sinasabi ng Kasulatan!” Tumakas ang lahat ng mga alagad at iniwan siya. Sinundan si Jesus ng isang binatang walang damit maliban sa balabal niyang lino. Sinunggaban ito ng mga tao ngunit iniwan niya ang kanyang balabal at tumakas na hubad. Dinala nila si Jesus sa bahay ng pinakapunong pari na kung saan ay nagkakatipon na doon ang lahat ng mga punong pari, mga pinuno ng bayan at mga tagapagturo ng Kautusan. Si Pedro'y sumunod kay Jesus, ngunit malayo ang agwat niya sa kanya. Nagtuloy siya hanggang sa patyo ng pinakapunong pari at naupo upang magpainit sa tabi ng apoy. Katabi niya roon ang mga bantay. Ang mga punong pari at ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio ay naghanap ng maipaparatang kay Jesus upang siya'y maipapatay, ngunit wala silang makita. Maraming saksi ang nagsabi ng kasinungalingan laban sa kanya, ngunit hindi nagkatugma-tugma ang kanilang mga patotoo. May ilang sumaksi ng kasinungalingan laban sa kanya na nagsasabi, “Narinig naming sinabi ng taong iyan, ‘Gigibain ko ang Templong ito na gawa ng tao at sa loob ng tatlong araw ay magtatayo ako ng iba na di gawa ng tao.’” Ngunit hindi rin nagkatugma-tugma ang kanilang mga patotoo tungkol dito. Tumayo ang pinakapunong pari sa harap ng kapulungan at tinanong si Jesus, “Wala ka bang isasagot sa paratang nila sa iyo?” Ngunit hindi umimik si Jesus at hindi sumagot ng anuman. Muli siyang tinanong ng pinakapunong pari, “Ikaw nga ba ang Cristo, ang Anak ng Kapuri-puri?” Sumagot si Jesus, “Ako nga. Makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanan ng Makapangyarihan at dumarating na nasa mga ulap ng kalangitan.” Pinunit ng pinakapunong pari ang kanyang kasuotan at sinabi, “Kailangan pa ba natin ng mga saksi? Narinig ninyo ang kanyang paglapastangan sa Diyos! Ano ang inyong pasya?” At nagkaisa silang lahat na hatulan siya ng kamatayan. At siya'y sinimulan nilang pahirapan; dinuraan siya ng ilan, piniringan at pinagsusuntok. “Hulaan mo nga, sino ang sumuntok sa iyo?” sabi nila. At siya'y binugbog ng mga bantay. Samantala, si Pedro naman ay nasa patyo sa ibaba nang lumapit ang isang babaing katulong ng pinakapunong pari. Nakita nito si Pedro na nagpapainit sa apoy, pinagmasdang mabuti at pagkatapos ay sinabi, “Kasama ka rin ni Jesus na taga-Nazaret!” Ngunit nagkaila si Pedro, “Wala akong nalalaman sa sinasabi mo.” Umalis siya at nagpunta sa labasan [at tumilaok ang manok]. Nakita na naman siya ng babaing katulong at sinabi sa mga naroon, “Ang taong ito'y isa sa kanila!” At muling nagkaila si Pedro. Makalipas ang ilang sandali, sinabi kay Pedro ng mga nakatayo roon, “Talagang isa ka nga sa kanila. Taga-Galilea ka rin, hindi ba?” “Parusahan nawa ako ng Diyos kung nagsisinungaling ako! Hindi ko kilala ang taong iyan,” sagot ni Pedro. Siya namang pagtilaok muli ng manok. Naalala ni Pedro ang sinabi sa kanya ni Jesus, “Bago tumilaok ang manok nang dalawang beses, tatlong beses mo akong ikakaila.” Nanlumo siya at nanangis. Kinaumagahan, nagpulong agad ang mga punong pari, mga pinuno ng bayan, mga tagapagturo ng Kautusan, at iba pang bumubuo ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio. Ipinagapos nila si Jesus, at dinala kay Pilato. “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” tanong sa kanya ni Pilato. “Ikaw na ang may sabi,” tugon naman ni Jesus. Nagharap ng maraming paratang ang mga punong pari laban kay Jesus kaya't siya'y muling tinanong ni Pilato, “Wala ka bang isasagot? Narinig mo ang marami nilang paratang laban sa iyo.” Ngunit hindi pa rin sumagot si Jesus, kaya't nagtaka si Pilato. Tuwing Pista ng Paskwa ay nagpapalaya si Pilato ng isang bilanggo, sinumang hilingin sa kanya ng mga taong-bayan. May isang bilanggo noon na ang pangalan ay Barabbas. Kasama siya sa mga nagrebelde, at nakapatay siya noong panahon ng pag-aalsa. Nang lumapit ang mga tao kay Pilato upang hilingin sa kanya na gawin niya ang dati niyang ginagawa, tinanong sila ni Pilato, “Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” Sinabi niya ito sapagkat batid ni Pilato na inggit lamang ang nag-udyok sa mga punong pari upang isakdal si Jesus. Ngunit sinulsulan ng mga punong pari ang mga tao na si Barabbas ang hilinging palayain. Kaya't muli silang tinanong ni Pilato, “Ano naman ang gagawin ko sa taong ito na tinatawag ninyong Hari ng mga Judio?” “Ipako siya sa krus!” sigaw ng mga tao. “Bakit, ano ba ang kasalanan niya?” tanong ni Pilato. Ngunit lalo pang sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus!” Sa paghahangad ni Pilato na mapagbigyan ang mga tao, pinalaya niya si Barabbas at si Jesus naman ay kanyang ipinahagupit, at pagkatapos ay ibinigay sa kanila upang ipako sa krus. Dinala ng mga kawal si Jesus sa bakuran ng palasyo ng gobernador, at kanilang tinipon doon ang buong batalyon. Sinuotan nila si Jesus ng balabal na kulay ube. Kumuha sila ng halamang matinik, ginawa iyong korona at ipinutong sa kanya. Pagkatapos, sila'y pakutyang nagpugay at bumati sa kanya, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” Siya'y pinaghahampas sa ulo, pinagduduraan at pakutyang niluhud-luhuran. Matapos kutyain, hinubad nila sa kanya ang balabal na kulay ube, sinuotan ng sarili niyang damit, at inilabas upang ipako sa krus. Nasalubong nila sa daan ang isang lalaking galing sa bukid, si Simon na taga-Cirene na ama nina Alejandro at Rufo. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Jesus. Kanilang dinala si Jesus sa lugar na tinatawag na Golgotha, na ang ibig sabihi'y “Pook ng Bungo.” Siya'y binibigyan nila ng alak na may kahalong mira, ngunit hindi niya ito ininom. Ipinako siya sa krus at saka pinaghati-hatian ang kanyang damit sa pamamagitan ng palabunutan. Ikasiyam ng umaga nang ipako siya sa krus. Isinulat sa itaas ng krus ang paratang laban sa kanya, “Ang Hari ng mga Judio.” May dalawang tulisang kasama niyang ipinako sa krus, isa sa kanan at isa sa kaliwa. [ Sa gayon ay natupad ang sinasabi sa kasulatan, “Ibinilang siya sa mga kriminal.”] Ininsulto siya ng mga nagdaraan at pailing-iling na sinabi, “O ano? Di ba ikaw ang gigiba sa Templo at muling magtatayo nito sa loob ng tatlong araw? Bumabâ ka sa krus at iligtas mo ngayon ang iyong sarili!” Kinutya rin siya ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila sa isa't isa, “Iniligtas niya ang iba ngunit hindi mailigtas ang sarili! Makita lamang nating bumabâ sa krus ang Cristo na iyan na Hari daw ng Israel, maniniwala na tayo sa kanya!” Nilait din siya ng mga nakapakong kasama niya. Nagdilim sa buong lupain mula sa tanghaling tapat hanggang sa ikatlo ng hapon. Nang ikatlo na ng hapon, sumigaw si Jesus, “ Eloi, Eloi, lema sabachthani? ” na ang kahulugan ay, “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” Narinig ito ng ilan sa mga nakatayo roon at kanilang sinabi, “Pakinggan ninyo, tinatawag niya si Elias!” May tumakbo upang kumuha ng isang espongha; ito'y isinawsaw sa maasim na alak, inilagay sa dulo ng isang patpat at ipinasipsip kay Jesus. “Tingnan nga natin kung darating si Elias upang iligtas siya,” sabi niya. Sumigaw nang malakas si Jesus at pagkatapos ay nalagutan ng hininga. At napunit sa gitna ang tabing ng Templo, mula sa itaas hanggang sa ibaba. Nakatayo sa harap ng krus ang opisyal ng mga kawal. Nang makita kung paano namatay si Jesus, sinabi niya, “Tunay ngang Anak ng Diyos ang taong ito!” Naroon din ang ilang babaing nakatanaw mula sa malayo. Kabilang sa kanila si Maria Magdalena, si Salome, at si Maria na ina ng nakababatang si Santiago at ni Jose. Mula pa sa Galilea ay sumusunod na sila at naglilingkod kay Jesus. Naroon din ang iba pang mga babaing kasama ni Jesus na pumunta sa Jerusalem. Nagtaka si Pilato nang marinig niyang patay na si Jesus kaya't ipinatawag niya ang opisyal at tinanong kung matagal na siyang namatay. Nang malaman niya sa kapitan na talagang patay na si Jesus, pumayag siyang kunin ni Jose ang bangkay. Ibinabâ mula sa krus ang bangkay ni Jesus at binalot sa telang lino na binili ni Jose. Pagkatapos, ang bangkay ay inilagay sa isang libingang hinukay sa bato, at iginulong ni Jose ang isang malaking bato sa pintuan ng libingan. Nagmamasid naman sina Maria Magdalena at Maria na ina ni Jose, at nakita nila kung saan inilibing si Jesus. Pagkaraan ng Araw ng Pamamahinga, si Maria Magdalena, si Maria na ina ni Santiago at si Salome ay bumili ng pabango upang sila ay magpunta sa libingan at lagyan ng pabango ang bangkay ni Jesus. Kinaumagahan ng Linggo, sa pagsikat ng araw, sila'y nagpunta sa libingan. Ngunit sila ay nagtanong sa isa't isa, “Sino kaya ang maaari nating mapakiusapang maggulong ng batong nakatakip sa pintuan ng libingan?” Nasabi nila iyon dahil napakalaki ng bato. Ngunit nang matanaw nila ito, nakita nilang naigulong na ang bato. At pagpasok nila sa libingan, may nakita silang isang binatang nakasuot ng mahaba at maputing damit, at nakaupo sa gawing kanan. At sila'y natakot. Ngunit sinabi nito sa kanila, “Huwag kayong matakot. Hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazaret na ipinako sa krus. Wala na siya rito; siya'y binuhay ng Diyos! Tingnan ninyo ang pinaglagyan sa kanya. Bumalik kayo at sabihin ninyo sa kanyang mga alagad at kay Pedro, ‘Mauuna siya sa inyo sa Galilea. Makikita ninyo siya roon, gaya ng sinabi niya sa inyo.’” Lumabas sila ng libingan at patakbong umalis na nanginginig at litung-lito. At dahil sa matinding takot, wala silang sinabi kaninuman. [ Maagang-maaga ng unang araw ng linggo, matapos na siya'y muling mabuhay, si Jesus ay unang nagpakita kay Maria Magdalena. Pitong demonyo ang pinalayas ni Jesus mula sa kanya. Pumunta ang mga babae kay Pedro at sa mga kasama niya, at isinalaysay ang lahat ng sinabi ng binatang nasa libingan. Nagpunta si Maria Magdalena sa mga tagasunod ni Jesus upang ibalita sa mga ito ang kanyang nakita. Sila noon ay kasalukuyang nagluluksa at umiiyak. Pagkatapos, isinugo ni Jesus ang kanyang mga alagad upang ipangaral sa lahat ng dako ng daigdig ang banal at di lilipas na balita ng walang hanggang kaligtasan.] Ngunit ayaw nilang maniwala nang sabihin ni Maria na si Jesus ay buháy at nakita niya. Pagkatapos, nagpakita rin si Jesus sa dalawang alagad na naglalakad papuntang bukid, subalit iba ang kanyang anyo noon. Bumalik agad sila at ibinalita sa kanilang mga kasamahan ang nangyari, ngunit ayaw din silang paniwalaan ng mga ito. Pagkatapos, nagpakita si Jesus sa labing-isang alagad habang kumakain ang mga ito. Sila ay pinagalitan niya dahil sa hindi nila pananalig sa kanya at dahil sa katigasan ng kanilang ulo, dahil ayaw nilang maniwala sa mga nakakita sa kanya pagkatapos na siya'y muling mabuhay. At sinabi ni Jesus sa kanila, “Humayo kayo sa buong mundo at ipangaral ang Magandang Balita sa lahat ng tao. Ang sinumang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas, ngunit ang ayaw sumampalataya ay paparusahan. Ang mga sumasampalataya ay bibigyan ng kapangyarihang gumawa ng mga himala: sa pangalan ko'y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita ng iba't ibang wika. Hindi sila mapapahamak kahit dumampot sila ng ahas o makainom ng lason; at gagaling ang mga maysakit na papatungan nila ng kamay.” Pagkatapos niyang magsalita sa kanila, ang Panginoong Jesus ay iniakyat sa langit at umupo sa kanan ng Diyos. Humayo nga at nangaral ang mga alagad sa lahat ng dako. Tinulungan sila ng Panginoon sa gawaing ito. Pinatunayan niyang totoo ang kanilang ipinapangaral sa pamamagitan ng mga himala na ipinagkaloob niya sa kanila.] [ Kagalang-galang na Teofilo, marami na po ang nagsikap na sumulat tungkol sa mga bagay na naganap sa kalagitnaan namin. Ang kanilang isinulat ay ayon sa itinuro sa amin ng mga taong buhat pa sa simula ay mga saksi at mga tagapangaral ng Salita ng Diyos. Kaya't matapos kong suriin nang buong ingat ang lahat ng pangyayari buhat pa sa pasimula, minabuti ko pong sumulat din ng isang maayos na salaysay para sa inyo upang lubusan ninyong matiyak ang katotohanan ng mga itinuro sa inyo. Noong panahong si Herodes ang hari ng Judea, may isang paring Judio na kabilang sa pangkat ni Abias na ang pangala'y Zacarias. Ang kanyang asawang si Elizabeth ay mula naman sa angkan ni Aaron. Kapwa sila kalugud-lugod sa paningin ng Diyos at namumuhay nang tapat sa mga utos at tuntunin ng Panginoon. Wala silang anak dahil baog si Elizabeth at kapwa sila matanda na. Isang araw, nanunungkulan ang pangkat na kinabibilangan ni Zacarias at ginagampanan niya ang kanyang tungkulin sa harapan ng Diyos bilang isang pari. Nang sila'y magpalabunutan, ayon sa kaugalian ng mga paring Judio, siya ang napiling magsunog ng insenso. Pumasok siya sa Templo ng Panginoon sa oras ng pagsusunog ng insenso, habang nagkakatipon naman sa labas ang mga tao at nananalangin. Nagpakita sa kanya doon ang isang anghel ng Panginoon na nakatayo sa gawing kanan ng altar na sunugan ng insenso. Nasindak si Zacarias at natakot nang makita niya ito. Ngunit sinabi ng anghel sa kanya, “Huwag kang matakot, Zacarias! Dininig ng Diyos ang iyong panalangin. Ang iyong asawang si Elizabeth ay magkakaanak ng isang lalaki, at Juan ang ipapangalan mo sa bata. Ikaw ay matutuwa at magiging maligaya. Marami ang magagalak sa kanyang pagsilang sapagkat siya'y magiging dakila sa paningin ng Panginoon. Hindi siya dapat uminom ng alak o anumang inuming nakakalasing. Sa sinapupunan pa lamang ng kanyang ina ay mapupuspos na siya ng Espiritu Santo. Sa pamamagitan niya'y maraming Israelita ang magbabalik-loob sa kanilang Panginoong Diyos. Mauuna siya sa Panginoon na taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Elias upang pagkasunduin ang mga ama at ang kanilang mga anak, at panumbalikin ang mga suwail sa karunungan ng mga matuwid. Sa gayon, ipaghahanda niya ng isang bayan ang Panginoon.” Sinabi ni Zacarias sa anghel, “Paano ko matitiyak na mangyayari iyan? Ako'y matanda na at gayundin ang aking asawa.” Sumagot ang anghel, “Ako'y si Gabriel na nakatayo sa harapan ng Diyos. Isinugo niya ako upang dalhin sa iyo ang magandang balitang ito. Ngunit dahil sa hindi ka naniwala sa mga sinasabi kong matutupad pagdating ng takdang panahon, ikaw ay magiging pipi. Hindi ka makakapagsalita hanggang sa araw na maganap ang mga ito.” Samantala, naghihintay naman kay Zacarias ang mga tao. Nagtataka sila kung bakit nagtagal siya nang ganoon sa loob ng Templo. Paglabas niya, hindi na siya makapagsalita, kaya't mga senyas na lamang ang ginagamit niya. Napag-isip-isip ng mga tao na baka nakakita siya ng pangitain sa loob ng Templo. Si Zacarias ay nanatiling pipi. Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod ay umuwi na siya. Hindi nga nagtagal at naglihi si Elizabeth. Hindi ito lumabas ng bahay sa loob ng limang buwan. Sinabi ni Elizabeth, “Ngayo'y kinahabagan ako ng Panginoon. Ginawa niya ito upang alisin ang aking kahihiyan sa harap ng mga tao!” Nang ikaanim na buwan ng pagdadalang-tao ni Elizabeth, ang anghel na si Gabriel ay isinugo ng Diyos sa Nazaret na isang bayan sa Galilea, upang kausapin ang isang dalaga na ang pangala'y Maria. Siya ay nakatakda nang ikasal kay Jose, isang lalaking buhat sa angkan ni David. Lumapit ang anghel sa dalaga at binati ito, “Magalak ka! Ikaw ay lubos na kinalulugdan ng Diyos. Sumasaiyo ang Panginoon!” Naguluhan si Maria sa sinabi ng anghel at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan ng ganoong pagbati. Sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugud-lugod ka sa Diyos. Makinig ka! Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang sanggol na lalaki, at siya'y papangalanan mong Jesus. Siya'y magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasang Diyos. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David upang maghari sa angkan ni Jacob magpakailanman. Ang kanyang paghahari ay walang katapusan.” “Paano pong mangyayari ito gayong ako'y isang birhen?” tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, “Sasaiyo ang Espiritu Santo at mapapasailalim ka sa kapangyarihan ng Kataas-taasang Diyos. Dahil dito, ang isisilang mo'y banal at tatawaging Anak ng Diyos. Hindi ba't ang kamag-anak mong si Elizabeth ay baog? Gayunma'y naglihi siya at ngayo'y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalang-tao kahit na siya'y matanda na, sapagkat walang anumang bagay na hindi kayang gawin ng Diyos.” Sumagot si Maria, “Ako'y alipin ng Panginoon. Mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” Pagkatapos, umalis na ang anghel. Hindi nagtagal at si Maria'y nagmamadaling pumunta sa isang bayan sa bulubundukin ng Juda. Pagdating sa bahay ni Zacarias, binati niya si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang pagbati ni Maria, biglang gumalaw ang sanggol sa kanyang sinapupunan at siya ay napuspos ng Espiritu Santo. Napasigaw siya sa galak, “Pinagpala ka sa mga babae, at pinagpala rin ang dinadala mo sa iyong sinapupunan! Sino ako upang dalawin ng ina ng aking Panginoon? Sapagkat pagkarinig ko ng iyong pagbati ay gumalaw sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpala ka, sapagkat sumampalataya kang matutupad ang ipinasabi sa iyo ng Panginoon!” At sinabi ni Maria, “Ang puso ko'y nagpupuri sa Panginoon, at ang aking espiritu'y nagagalak sa Diyos na aking Tagapagligtas, sapagkat nilingap niya akong kanyang abang alipin! Mula ngayon, ang lahat ng tao'y tatawagin akong pinagpala; dahil sa mga dakilang bagay na ginawa sa akin ng Makapangyarihan. Banal ang kanyang pangalan! Ang kanyang kahabagan ay para sa lahat ng salinlahing may takot sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang mga bisig, nilito niya ang mga may palalong isip. Tinanggal sa kanilang luklukan ang mga may kapangyarihan, at itinaas ang mga nasa abang kalagayan. Pinasagana niya sa mabubuting bagay ang mga kapus-palad, at pinaalis nang walang dalang anuman ang mga mayayaman. Tinulungan niya ang Israel na kanyang lingkod, at hindi niya kinalimutang kahabagan ito. Tulad ng kanyang ipinangako sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa lahi nito, magpakailanman!” Nanatili si Maria kina Elizabeth nang may tatlong buwan bago siya umuwi. Dumating ang oras ng panganganak ni Elizabeth at nagsilang siya ng isang sanggol na lalaki. Nang mabalitaan ng kanyang mga kapitbahay at mga kamag-anak na siya'y labis na pinagpala ng Panginoon, nakigalak sila sa kanya. Makalipas ang isang linggo, dumalo sila sa pagtutuli ng sanggol. Zacarias sana ang itatawag nila sa bata, gaya ng pangalan ng kanyang ama, ngunit sinabi ni Elizabeth, “Hindi! Juan ang ipapangalan sa kanya.” “Subalit wala naman kayong kamag-anak na may ganyang pangalan,” tugon nila. Sinenyasan nila ang kanyang ama upang itanong kung ano ang ibig nitong itawag sa sanggol. Humingi si Zacarias ng masusulatan at ganito ang kanyang isinulat, “Juan ang pangalan niya.” Namangha ang lahat. Noon din ay nakapagsalita si Zacarias, at siya'y nagpuri sa Diyos. Natakot ang lahat ng tagaroon, at naging usap-usapan sa buong bulubundukin ng Judea ang mga bagay na iyon. Pinag-isipan ito ng mga nakabalita, anupa't naging tanong nilang lahat, “Magiging ano kaya ang batang ito?” Sapagkat nasa kanya ang kapangyarihan ng Panginoon. Si Zacarias na ama ng bata ay napuspos ng Espiritu Santo, at nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos: “Purihin ang Panginoong Diyos ng Israel! Tinulungan niya at pinalaya ang kanyang bayan. Nagsugo siya sa atin ng isang makapangyarihang Tagapagligtas, mula sa angkan ni David na kanyang lingkod. Ito'y ayon sa ipinangako niya noong una sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta, na ililigtas niya tayo mula sa ating mga kaaway, mula sa kamay ng lahat ng napopoot sa atin. Ipinangako niyang kahahabagan ang ating mga ninuno, at aalalahanin ang kanyang banal na tipan. Iyan ang sumpang binitiwan niya sa ating amang si Abraham, na ililigtas niya tayo sa ating mga kaaway, upang tayo'y makapaglingkod sa kanya nang walang takot, at maging banal at matuwid sa kanyang paningin habang tayo'y nabubuhay. Ikaw, anak ko, ay tatawaging propeta ng Kataas-taasang Diyos; sapagkat mauuna ka sa Panginoon upang ihanda ang kanyang daraanan, at upang ipaalam sa kanyang bayan ang kanilang kaligtasan, ang kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. Mapagmahal at mahabagin ang ating Diyos. Magbubukang-liwayway na sa atin ang araw ng kaligtasan. Tatanglawan niya ang mga nasa kadiliman at nasa lilim ng kamatayan, at papatnubayan tayo sa daan ng kapayapaan.” Lumaki ang bata at naging malakas ang kanyang espiritu. Siya'y nanirahan sa ilang, hanggang sa araw na nakilala siya ng bansang Israel. Nang panahong iyon, iniutos ni Emperador Augusto na magkaroon ng sensus sa lahat ng nasasakupan ng Imperyo ng Roma. Ang unang sensus na ito ay ginawa noong si Cirenio ang gobernador ng Siria. Kaya't umuwi ang mga tao sa sarili nilang bayan upang magpatala. Mula sa Nazaret, isang lungsod sa Galilea, si Jose ay pumunta sa Judea, sa Bethlehem na bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya'y mula sa angkan ni David. Kasama rin niyang umuwi upang magpatala si Maria na kanyang magiging asawa, na noon ay nagdadalang-tao. Habang sila'y nasa Bethlehem, sumapit ang oras ng panganganak ni Maria. Isinilang niya ang kanyang panganay, na isang lalaki. Binalot niya sa lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan. Doon ay may mga pastol na nasa parang at nagbabantay ng kanilang mga tupa nang gabing iyon. At tumayo sa harapan nila ang isang anghel ng Panginoon at nagliwanag sa kapaligiran nila ang kaluwalhatian ng Panginoon. Ganoon na lamang ang kanilang pagkatakot. Ngunit sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot! Ako'y may dalang magandang balita para sa inyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. Isinilang sa inyo ngayon sa bayan ni David ang Tagapagligtas, ang Cristong Panginoon. Ito ang inyong palatandaan: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa isang sabsaban.” Biglang lumitaw kasama ng anghel ang isang malaking hukbo ng mga anghel sa kalangitan. Sila'y nagpupuri sa Diyos at umaawit, “Papuri sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa ay kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!” Nang makaalis na ang mga anghel pabalik sa langit, ang mga pastol ay nag-usap-usap, “Tayo na sa Bethlehem! Tingnan natin ang pangyayaring ito na ibinalita sa atin ng Panginoon.” Nagmamadali silang pumunta roon at natagpuan nila sina Maria at Jose, at naroon ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. Nang makita ng mga pastol ang sanggol, isinalaysay nila ang sinabi ng anghel tungkol dito. Namangha ang lahat ng nakarinig sa sinabi ng mga pastol. Tinandaan ni Maria ang mga bagay na ito, at ito'y kanyang pinagbulay-bulayan. Umalis ang mga pastol na nagpupuri sa Diyos at nagpapahayag ng kanyang kadakilaan dahil sa lahat ng narinig nila at nakita, ayon sa sinabi sa kanila ng anghel. Pagsapit ng ikawalong araw, tinuli ang bata at pinangalanang Jesus. Ito ang pangalang sinabi ng anghel bago pa siya ipaglihi. Nang sumapit ang araw ng kanilang pagtupad sa seremonya ng paglilinis ayon sa Kautusan ni Moises, pumunta sila sa Jerusalem. Dinala nila ang sanggol upang iharap sa Panginoon, sapagkat ganito ang nasusulat sa Kautusan ng Panginoon, “Bawat panganay na lalaki ay itatalaga sa Panginoon.” Nag-alay din sila ng handog ayon sa nakasaad sa Kautusan ng Panginoon: magkapares na ibong batu-bato, o kaya'y dalawang inakay na kalapati. May isang tao noon sa Jerusalem na ang pangala'y Simeon, isang lalaking matuwid, may takot sa Diyos at naghihintay sa katubusan ng Israel. Nasa kanya ang Espiritu Santo. Ipinahayag ng Espiritu Santo sa kanya na hindi siya mamamatay hangga't hindi niya nakikita ang Cristo na ipinangako ng Panginoon. Sa patnubay ng Espiritu, si Simeon ay pumasok sa Templo. At nang dalhin doon nina Jose at Maria ang sanggol na si Jesus upang tuparin ang ayon sa itinatakda ng Kautusan, kinarga ni Simeon ang sanggol. Pagkatapos, nagpuri siya sa Diyos, “Ngayon, Panginoon, maaari na pong yumaong mapayapa ang inyong abang alipin ayon sa inyong pangako. Yamang nakita na po ng aking mga mata ang inyong pagliligtas, na inyong inihanda sa harapan ng lahat ng bansa. Ito po ay liwanag na tatanglaw sa mga Hentil at magbibigay-dangal sa inyong bansang Israel.” Namangha ang mga magulang ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa bata. Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito'y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel. Siya ang magiging tanda mula sa Diyos ngunit tutuligsain siya ng marami, kaya't mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil dito, magdaranas ka ng matinding kapighatiang parang isang patalim na itinarak sa iyong puso.” Naroon din sa Templo ang isang propetang babae na ang pangalan ay Ana, anak ni Fanuel at mula sa lipi ni Asher. Siya'y napakatanda na. Pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, at ngayo'y walumpu't apat na taon na siyang biyuda. Lagi siya sa Templo at araw-gabi'y sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pag-aayuno at pananalangin. Nang oras na iyon, lumapit siya kina Jose at Maria at nagpasalamat sa Diyos. Nagsalita rin siya tungkol sa sanggol sa lahat ng naghihintay sa pagpapalaya ng Diyos sa Jerusalem. Nang maisagawa na nila ang lahat ng ayon sa itinatakda ng kautusan ng Panginoon, umuwi na sila sa bayan ng Nazaret sa Galilea. Ang bata'y lumaking malusog, puspos ng karunungan, at kalugud-lugod sa Diyos. Taun-taon, tuwing Pista ng Paskwa, ang mga magulang ni Jesus ay pumupunta sa Jerusalem. Nang siya'y labindalawang taon na, dumalo sila sa pista, ayon sa kanilang kaugalian. Sila'y umuwi na pagkatapos ng pista. Ang batang si Jesus ay nagpaiwan sa Jerusalem ngunit hindi ito napansin ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakalang siya ay kasama ng pangkat, nagpatuloy sila sa maghapong paglalakbay. Pagkatapos, siya ay hinanap nila sa kanilang mga kamag-anak at mga kakilala, ngunit hindi nila natagpuan si Jesus. Kaya't bumalik sila sa Jerusalem upang doon maghanap. Pagkalipas ng tatlong araw, si Jesus ay natagpuan nila sa loob ng Templo. Siya'y nakaupong kasama ng mga guro. Nakikinig siya at nagtatanong sa kanila, at ang lahat ng nakakarinig sa kanya ay hangang-hanga sa kanyang pang-unawa at mga sagot. Namangha rin ang kanyang mga magulang nang siya'y makita. Sinabi ng kanyang ina, “Anak, bakit mo naman ginawa ito sa amin? Lubha ang aming pag-aalala ng iyong ama sa paghahanap sa iyo.” Sumagot si Jesus, “Bakit po ninyo ako hinahanap? Hindi po ba ninyo alam na ako'y dapat mamalagi sa bahay ng aking Ama?” Ngunit hindi nila naunawaan ang sinabi niyang ito. Siya'y sumama sa kanila pauwi sa Nazaret, at siya'y naging masunurin sa kanila. Ang lahat ng bagay na ito ay iningatan ng kanyang ina sa kanyang puso. Patuloy na lumaki si Jesus sa pangangatawan, lumawak ang kanyang karunungan at lalong naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao. Ikalabinlimang taon noon ng paghahari ni Emperador Tiberio. Si Poncio Pilato ang gobernador sa Judea at si Herodes ang pinuno sa Galilea. Ang kapatid nitong si Felipe ang pinuno sa lupain ng Iturea at Traconite at si Lisanias ang pinuno sa Abilinia. Nang sina Anas at Caifas ang mga pinakapunong pari ng mga Judio, si Juan na anak ni Zacarias ay nakatira sa ilang. Ipinahayag ng Diyos ang kanyang salita kay Juan, kaya't nilibot niya ang mga lupain sa magkabilang panig ng Jordan. Siya'y nangaral, “Pagsisihan at talikuran ninyo ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo upang kayo'y patawarin ng Diyos.” Sa gayon, natupad ang nakasulat sa aklat ni Propeta Isaias, “Ito ang pahayag ng isang taong sumisigaw sa ilang: ‘Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon. Gumawa kayo ng mga tuwid na landas na kanyang lalakaran! Matatambakan ang bawat libis, at mapapatag ang bawat burol at bundok. Magiging tuwid ang daang liku-liko, at patag ang daang baku-bako. At makikita ng lahat ng tao ang pagliligtas na gagawin ng Diyos!’” Kaya't sinabi ni Juan sa maraming taong lumapit sa kanya upang magpabautismo, “Kayong lahi ng mga ulupong! Sino ang nagbabala sa inyo upang tumakas sa poot na darating? Ipakita ninyo sa pamamagitan ng gawa na nagsisisi kayo, at huwag ninyong sabihing mga anak kayo ni Abraham. Sinasabi ko sa inyo, mula sa mga batong ito ay makakalikha ang Diyos ng mga tunay na anak ni Abraham. Ngayon pa ma'y nakaamba na ang palakol sa ugat ng mga punongkahoy; ang bawat punong hindi mabuti ang bunga ay puputulin at itatapon sa apoy.” Tinanong siya ng mga tao, “Kung gayon, ano po ang dapat naming gawin?” Sumagot siya sa kanila, “Sinumang mayroong dalawang balabal, ibigay mo ang isa sa wala. Gayon din ang gawin ng sinumang may pagkain.” Dumating din ang mga maniningil ng buwis upang magpabautismo. Sila'y nagtanong sa kanya, “Guro, ano po ang dapat naming gawin?” “Huwag kayong sumingil nang higit sa dapat singilin,” tugon niya. Tinanong din siya ng mga kawal, “At kami po naman, ano ang dapat naming gawin?” “Huwag kayong kukuha ng pera kaninuman nang sapilitan o sa pamamagitan ng hindi makatuwirang paratang, at masiyahan kayo sa inyong sweldo,” sagot niya. Nananabik noon ang mga tao sa pagdating ng Cristo, at inakala nilang si Juan mismo ang kanilang hinihintay. Dahil dito sinabi niya sa kanila, “Binabautismuhan ko kayo sa pamamagitan ng tubig, ngunit ang darating na kasunod ko ay magbabautismo sa inyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ng apoy. Siya'y higit na makapangyarihan kaysa akin; ni hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng sintas ng kanyang sandalyas. Hawak na niya ang kalaykay upang linisin ang giikan at upang tipunin ang trigo sa kanyang kamalig. Ngunit ang ipa'y susunugin niya sa apoy na di mamamatay kailanman.” Marami pang bagay na ipinapangaral si Juan sa mga tao sa kanyang pamamahayag ng Magandang Balita. Si Herodes man na pinuno ng Galilea ay pinagsabihan din ni Juan dahil kinakasama niya ang kanyang hipag na si Herodias at dahil sa iba pang kasamaang ginagawa nito. Dahil dito'y ipinabilanggo ni Herodes si Juan, at ito'y nadagdag pa sa mga kasalanan ni Herodes. Nang mabautismuhan na ni Juan ang mga tao, binautismuhan din niya si Jesus. Habang nananalangin si Jesus, nabuksan ang langit at bumabâ sa kanya ang Espiritu Santo sa anyong kalapati. Isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.” Magtatatlumpung taon na si Jesus nang siya'y magsimulang mangaral. Ipinapalagay ng mga tao na siya'y anak ni Jose. Si Jose naman ay anak ni Eli, na anak ni Matat. Si Matat ay anak ni Levi na anak ni Melqui, at si Melqui nama'y anak ni Janai na anak ni Jose. Si Jose ay anak ni Matatias na anak ni Amos. Si Amos ay anak ni Nahum na anak ni Esli. Si Esli ay anak ni Nagai, anak ni Maat na anak ni Matatias. Si Matatias ay anak ni Semei na anak ni Josec. Si Josec ay anak ni Joda na anak ni Joanan. At si Joanan ay anak ni Resa na anak ni Zerubabel, anak ni Salatiel na anak ni Neri. Si Neri ay anak ni Melqui na anak ni Adi. Si Adi ay anak ni Cosam na anak ni Elmadam, na anak ni Er. Si Er ay anak ni Josue na anak ni Eliezer, anak ni Jorim na anak ni Matat. Si Matat ay anak ni Levi na anak ni Simeon na anak ni Juda. Si Juda ay anak ni Jose. Si Jose ay anak ni Jonam na anak ni Eliaquim, na anak ni Melea. Si Melea ay anak ni Menna na anak ni Matata, anak ni Natan na anak ni David. Si David ay anak ni Jesse na anak ni Obed, at si Obed ay anak naman ni Boaz. Si Boaz ay anak ni Salmon na anak ni Naason, anak ni Aminadab na anak ni Admin. Si Admin ay anak ni Arni na anak ni Esrom, na anak ni Fares. Si Fares ay anak ni Juda na anak ni Jacob. Si Jacob ay anak ni Isaac na anak ni Abraham. Si Abraham ay anak ni Terah na anak ni Nahor. Si Nahor ay anak ni Serug na anak ni Reu, na anak ni Peleg, at si Peleg ay anak ni Eber na anak ni Sala. Si Sala ay anak ni Cainan na anak ni Arfaxad na anak ni Shem. Si Shem ay anak ni Noe, anak ni Lamec na anak ni Matusalem na anak ni Enoc. Si Enoc ay anak ni Jared na anak ni Mahalaleel na anak ni Kenan. Si Kenan ay anak ni Enos na anak ni Set. At si Set ay anak ni Adan na anak ng Diyos. Mula sa Jordan, bumalik si Jesus na puspos ng Espiritu Santo. Dinala siya ng Espiritu sa ilang at sa loob ng apatnapung araw ay tinukso siya ng diyablo. Hindi siya kumain ng anuman sa buong panahong iyon, kaya't siya'y nagutom. Sinabi sa kanya ng diyablo, “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, iutos mong maging tinapay ang batong ito.” Ngunit sinagot ito ni Jesus, “Nasusulat, ‘Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao [kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos]. ’” Dinala siya ng diyablo sa isang mataas na lugar, at sa isang saglit ay ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa daigdig. Sinabi ng diyablo, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapangyarihan at kadakilaan ng mga ito. Ipinagkaloob ang lahat ng ito sa akin, at maaari kong ibigay kung kanino ko gusto. Kaya't kung ako'y sasambahin mo, magiging iyo na ang lahat ng ito.” Sumagot si Jesus, “Nasusulat, ‘Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin, at siya lamang ang dapat mong paglingkuran.’” Dinala siya ng diyablo sa taluktok ng Templo sa Jerusalem at sinabi sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka dahil nasusulat, ‘Sa kanyang mga anghel, ika'y ipagbibilin, sila'y uutusan upang ikaw ay ingatan,’ at ‘Aalalayan ka ng kanilang mga kamay, nang sa mga bato, paa mo'y hindi masaktan.’” Subalit sinagot siya ni Jesus, “Nasusulat, ‘Huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos!’” Pagkatapos tuksuhin si Jesus sa lahat ng paraan, umalis na ang diyablo at naghintay ng ibang pagkakataon. Bumalik sa Galilea si Jesus taglay ang kapangyarihan ng Espiritu Santo. Napabalita sa mga karatig-bayan ang tungkol sa kanya. Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga at hinangaan siya ng lahat. Pumunta si Jesus sa Nazaret, ang bayan kung saan siya lumaki. Gaya ng kanyang nakaugalian, pumasok siya sa sinagoga nang Araw ng Pamamahinga. Tumayo siya upang bumasa ng kasulatan, at ibinigay sa kanya ang aklat ni Propeta Isaias. Binuksan niya ito sa dakong kinasusulatan ng ganito: “Ang Espiritu ng Panginoon ay sumasaakin, sapagkat hinirang niya ako upang ipangaral sa mga mahihirap ang Magandang Balita. Isinugo niya ako upang ipahayag sa mga bihag na sila'y lalaya, at sa mga bulag na sila'y makakakita. Isinugo ako upang palayain ang mga inaapi, at upang ipahayag ang panahon ng pagliligtas ng Panginoon.” Inirolyo niya ang kasulatan, isinauli sa tagapag-ingat at siya'y naupo. Nakatitig sa kanya ang lahat ng nasa sinagoga, at sinabi niya sa kanila, “Ang kasulatang ito na inyong narinig ay natupad ngayon.” Pinuri siya ng lahat, at humanga sila sa kanyang napakahusay na pananalita. “Hindi ba ito ang anak ni Jose?” tanong nila. Kaya't sinabi ni Jesus, “Tiyak na sasabihin ninyo sa akin ang kasabihang ito, ‘Manggagamot, gamutin mo muna ang iyong sarili!’ Marahil, sasabihin pa ninyo, ‘Gawin mo rin dito sa iyong sariling bayan ang mga nabalitaan naming ginawa mo sa Capernaum.’ Tandaan ninyo, walang propetang kinikilala sa kanyang sariling bayan. Ngunit sinasabi ko sa inyo, maraming biyuda sa Israel noong panahon ni Elias nang hindi umulan sa loob ng tatlo't kalahating taon at nagkaroon ng taggutom sa buong lupain. Subalit hindi pinapunta si Elias sa kaninuman sa kanila, kundi sa isang biyuda sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. Sa dinami-dami ng mga may ketong sa Israel noong panahon ni Eliseo, wala ni isa mang pinagaling at nilinis maliban kay Naaman, na isang taga-Siria.” Nagalit ang lahat ng nasa sinagoga nang marinig ito. Nagsitayo sila at itinaboy siyang palabas papunta sa gilid ng bundok na kinatatayuan ng bayan upang ihulog siya sa bangin. Ngunit dumaan siya sa kalagitnaan nila at umalis. Mula roon, si Jesus ay nagpunta sa Capernaum sa Galilea at nagturo sa mga tao nang Araw ng Pamamahinga. Namangha sila sa kanyang pagtuturo sapagkat may kapangyarihan ang kanyang pananalita. May isang lalaki noon sa sinagoga na sinasapian ng masamang espiritu. Sumigaw ito nang malakas, “Ano ang pakialam mo sa amin, Jesus na taga-Nazaret? Naparito ka ba upang puksain kami? Kilala kita. Ikaw ang Banal na mula sa Diyos.” Subalit sinaway siya ni Jesus, “Tumahimik ka! Lumabas ka sa taong iyan!” At nang mailugmok ang lalaki sa kanilang kalagitnaan, lumabas ang demonyo sa kanya nang hindi siya sinasaktan. Namangha ang lahat ng nakasaksi kaya't nasabi nila sa isa't isa, “Ano ito? Makapangyarihan at mabisa ang kanyang salita! Nauutusan niyang lumayas ang masasamang espiritu, at lumalayas naman sila!” At kumalat ang balita tungkol kay Jesus sa buong lupaing iyon. Si Jesus ay umalis sa sinagoga at nagpunta sa bahay ni Simon. Nagkataong ang biyenan ni Simon ay may mataas na lagnat kaya't nakiusap sila kay Jesus na ito'y pagalingin. Tumayo si Jesus sa tabi ng higaan ng babae at iniutos na mawala ang lagnat, at ito'y nawala nga. Kaagad namang tumayo ang babae at naglingkod sa kanila. Pagkalubog ng araw, dinala ng mga tao kay Jesus ang lahat ng mga kasamahan nilang maysakit, anuman ang karamdaman ng mga ito. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa bawat isa, at silang lahat ay gumaling. Lumabas sa marami ang mga demonyo, na sumisigaw, “Ikaw ang Anak ng Diyos!” Ngunit sinaway sila ni Jesus at hindi pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila na siya ang Cristo. Nang mag-uumaga na, umalis si Jesus at nagpunta sa isang ilang na pook. Hinanap siya ng mga tao, at nang matagpuan ay pinakiusapang huwag muna siyang umalis. Subalit sinabi niya, “Dapat ko ring ipangaral sa ibang mga bayan ang Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos, sapagkat ito ang dahilan kaya ako isinugo.” At nagpatuloy siya ng pangangaral sa mga sinagoga sa buong Judea. Minsan, habang nakatayo si Jesus sa tabi ng Lawa ng Genesaret, nagsiksikan ang napakaraming tao sa paglapit sa kanya upang makinig ng salita ng Diyos. May nakita siyang dalawang bangka sa baybayin; nililinisan ng mga mangingisda ang kanilang mga lambat at wala sila sa kanilang mga bangka. Sumakay siya sa isa sa mga ito na pag-aari ni Simon. Hiniling niya rito na ilayo nang kaunti ang bangka mula sa baybayin. Naupo siya sa bangka at nangaral sa mga tao. Pagkatapos niyang mangaral, sinabi niya kay Simon, “Pumalaot kayo at ihulog ang mga lambat upang manghuli.” Sumagot si Simon, “Guro, magdamag po kaming nagpagod ngunit wala kaming nahuli! Ngunit dahil sa sinabi ninyo, ihuhulog ko ang mga lambat.” Ganoon nga ang ginawa nila, at nakahuli sila ng maraming isda, kaya't halos mapunit ang kanilang mga lambat. Kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka upang magpatulong. Lumapit naman ang mga ito at napuno nila ang dalawang bangka, anupa't halos lumubog ang mga ito. Nang makita iyon ni Simon Pedro, siya'y lumuhod sa harap ni Jesus at sinabi, “Lumayo kayo sa akin, Panginoon, sapagkat ako'y isang makasalanan.” Nanggilalas siya at ang kanyang mga kasama dahil sa dami ng kanilang huli, gayundin sina Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo at mga kasosyo ni Simon. Sinabi ni Jesus kay Simon, “Huwag kang matakot. Mula ngayo'y mga tao na, sa halip na mga isda, ang iyong huhulihin.” Nang maitabi na nila ang mga bangka sa pampang, iniwan nila ang lahat at sumunod kay Jesus. Nang si Jesus ay nasa isang bayan, nakita siya ng isang lalaking ketongin. Nagpatirapa ito at nakiusap, “Panginoon, kung nais po ninyo, ako'y inyong mapapagaling at magagawang malinis.” Hinawakan siya ni Jesus at sinabi, “Nais ko. Gumaling ka at luminis!” At noon di'y nawala ang kanyang ketong. Pinagbilinan siya ni Jesus, “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay pumunta ka sa pari at magpasuri sa kanya. Pagkatapos, mag-alay ka ng handog ayon sa iniuutos ni Moises bilang patotoo sa mga tao na ikaw nga'y magaling na.” Ngunit lalo pang kumalat ang balita tungkol kay Jesus, kaya't dumaragsa ang napakaraming tao upang makinig sa kanya at mapagaling sa kanilang mga sakit. Ngunit si Jesus naman ay pumupunta sa mga ilang na lugar upang manalangin. Minsan, habang si Jesus ay nagtuturo, may mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan na nakaupo doon. Sila'y galing sa bawat bayan ng Galilea at Judea, at sa Jerusalem. Taglay ni Jesus ang kapangyarihan ng Panginoon upang siya'y magpagaling ng mga maysakit. Dumating ang ilang lalaking may dalang isang paralitiko na nakaratay sa higaan. Sinikap nilang makapasok sa bahay upang mailagay ang maysakit sa harapan ni Jesus. Ngunit wala silang madaanan dahil sa dami ng tao, kaya't umakyat sila sa bubungan, binakbak ito at ibinabâ sa harapan ni Jesus ang paralitikong nasa higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa paralitiko, “Kaibigan, pinapatawad na ang iyong mga kasalanan.” Pagkarinig nito'y nag-usap-usap ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Sino itong nagsasalita ng kalapastanganan sa Diyos? Hindi ba't Diyos lamang ang makakapagpatawad ng mga kasalanan?” Palibhasa'y alam ni Jesus ang kanilang pag-uusap, sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo nag-iisip nang ganyan? Alin ba ang mas madaling sabihin, ‘Pinapatawad na ang iyong mga kasalanan,’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan dito sa lupa…” sinabi niya sa paralitiko, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka na!” Agad namang tumayo ang lalaki, at sa harap ng lahat ay binuhat niya ang kanyang higaan at umuwing nagpupuri sa Diyos. Nanggilalas ang mga naroroon at nagpuri sila sa Diyos. Sa pagkamangha ay sinabi nila, “Nakakita tayo ngayon ng mga kahanga-hangang bagay!” Pagkatapos nito'y lumabas si Jesus at nakita niya si Levi, isang maniningil ng buwis, na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo nga si Levi, iniwan ang lahat, at sumunod kay Jesus. Si Jesus ay hinandugan ni Levi ng isang malaking handaan sa kanyang bahay. Kasalo niya roon ang maraming maniningil ng buwis at iba pang mga tao. Kaya't nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga kasamahan nilang tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila sa mga alagad ni Jesus, “Bakit kayo kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?” Sinagot sila ni Jesus, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan upang sila'y magsisi.” May ilan namang nagsabi kay Jesus ng ganito: “Ang mga alagad ni Juan ay malimit mag-ayuno at manalangin, gayundin ang mga alagad ng mga Pariseo. Subalit ang mga alagad mo'y patuloy sa pagkain at pag-inom.” Sumagot si Jesus, “Hinahayaan ba ninyong hindi kumain ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Di ba hindi? Darating ang araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikinasal, at saka sila mag-aayuno.” Sinabi rin niya sa kanila ang isang talinghaga, “Walang pumipiraso sa bagong damit upang itagpi sa luma. Kapag ganoon ang ginawa, masasayang ang bagong damit at ang tagping mula rito ay hindi naman babagay sa damit na luma. Wala ring naglalagay ng bagong alak sa lumang sisidlang-balat. Kapag ganoon ang ginawa, papuputukin ng bagong alak ang lumang sisidlan, matatapon ang alak at masisira ang sisidlan. Sa bagong sisidlang-balat dapat ilagay ang bagong alak. Kapag nakainom ka na ng lumang alak, hindi mo na gugustuhing uminom ng bagong alak. Ang sasabihin mo, ‘Mas masarap ang lumang alak.’” Isang Araw ng Pamamahinga, nagdaraan sina Jesus sa isang triguhan. Ang kanyang mga alagad ay pumitas ng mga trigo, kinuskos sa kanilang mga kamay at kanila itong kinain. “Bakit kayo gumagawa ng ipinagbabawal ng Kautusan sa Araw ng Pamamahinga?” tanong ng ilang Pariseo. Sinagot sila ni Jesus, “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang minsang magutom sila ng kanyang mga kasama? Di ba't pumasok siya sa bahay ng Diyos at kumain ng tinapay na handog, na bawal kainin ninuman maliban sa mga pari lamang? Binigyan pa niya ang kanyang mga kasama.” At sinabi pa ni Jesus, “Ang Anak ng Tao ay Panginoon ng Araw ng Pamamahinga.” Noong isa pang Araw ng Pamamahinga, pumasok si Jesus sa sinagoga at nagturo. Doon ay may isang lalaking paralisado ang kanang kamay. Sa hangad ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na magkaroon ng maipaparatang kay Jesus, binantayan nila si Jesus upang tingnan kung siya'y magpapagaling ng maysakit sa Araw ng Pamamahinga. Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya sa lalaking paralisado ang kamay, “Halika, tumayo ka rito.” Lumapit ang lalaki at tumayo nga roon. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, “Tatanungin ko kayo. Alin ba ang naaayon sa Kautusan, ang gumawa ng mabuti o ang gumawa ng masama sa Araw ng Pamamahinga? Ang magligtas ng buhay o ang pumatay?” Tiningnan niyang isa-isa ang mga taong nakapaligid at pagkatapos ay sinabi sa lalaki, “Iunat mo ang iyong kamay!” Iniunat nga ng lalaki ang kanyang kamay at ito'y gumaling. Nagngitngit naman sa galit ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, at pinag-usapan nila kung ano ang maaari nilang gawin kay Jesus. Nang panahong iyon, umakyat si Jesus sa isang bundok at magdamag siyang nanalangin sa Diyos. Kinaumagahan, tinawag niya ang kanyang mga alagad. Mula sa kanila ay pumili siya ng labindalawa na tinawag niyang mga apostol. Sila ay sina Simon, na pinangalanan niyang Pedro, si Andres na kapatid nito, sina Santiago, Juan, Felipe, Bartolome, Mateo, Tomas, Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote na naging taksil. Pagbaba ni Jesus kasama ang mga apostol, nadatnan nila sa isang patag na lugar ang marami sa kanyang mga alagad, kasama ang napakaraming taong buhat sa Judea, Jerusalem, at mga bayan sa baybaying-dagat ng Tiro at Sidon. Pumaroon sila upang makinig, at mapagaling sa kanilang mga karamdaman. Pinagaling nga sila ni Jesus, pati na rin ang mga pinapahirapan ng masasamang espiritu. Sinisikap ng lahat ng maysakit na makahawak man lamang sa kanya, sapagkat may kapangyarihang nanggagaling sa kanya na nagpapagaling sa lahat. Tumingin si Jesus sa mga alagad, at sinabi, “Pinagpala kayong mga dukha, sapagkat sa inyo ang kaharian ng Diyos! “Pinagpala kayong mga nagugutom ngayon, sapagkat kayo'y bubusugin. “Pinagpala kayong mga tumatangis ngayon, sapagkat kayo'y magsisitawa! “Pinagpala kayo kung dahil sa inyong pagsunod sa Anak ng Tao ay kinapopootan kayo, ipinagtatabuyan at nilalait ng mga tao, at pinaparatangang kayo ay masama. Magalak kayo at lumukso sa tuwa kung gayon ang mangyari sa inyo, sapagkat malaki ang inyong gantimpala sa langit. Gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga propeta. “Ngunit kahabag-habag kayong mga mayayaman ngayon, sapagkat natamasa na ninyo ang kaginhawahan. “Kahabag-habag kayong mga busog ngayon, sapagkat kayo'y magugutom! “Kahabag-habag kayong mga tumatawa ngayon, sapagkat kayo'y magdadalamhati at magsisitangis! “Kahabag-habag kayo, kung kayo'y pinupuri ng lahat ng tao, sapagkat gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga huwad na propeta.” “Subalit sinasabi ko sa inyong mga nakikinig sa akin: Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gawan ng mabuti ang mga napopoot sa inyo. Pagpalain ninyo ang sumusumpa sa inyo at ipanalangin ang mga nang-aapi sa inyo. Kapag sinampal ka sa isang pisngi, iharap mo rin ang kabila. Kapag inagaw ang iyong balabal, huwag mong ipagkait ang iyong damit. Bigyan mo ang bawat humihingi sa iyo; at kung may kumuha ng iyong ari-arian, huwag mo nang bawiin pa ang mga iyon. Gawin ninyo sa inyong kapwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo. “Kung ang nagmamahal lamang sa inyo ang inyong mamahalin, anong pagpapala ang nararapat sa inyo? Ang mga makasalanan man ay nagmamahal din sa mga nagmamahal sa kanila. Kung ang mga gumagawa lamang ng mabuti sa inyo ang gagawan ninyo ng mabuti, anong pagpapala ang nararapat sa inyo? Kahit ang masasamang tao ay gumagawa rin niyan! At kung ang makakabayad lamang ang inyong pauutangin, anong pagpapala ang nararapat sa inyo? Kahit ang masasamang tao ay nagpapautang din sa kapwa nila masama, sa pag-asang sila'y mababayaran. Sa halip, mahalin ninyo ang inyong mga kaaway at gumawa kayo ng mabuti sa kanila. Magpahiram kayo na hindi umaasa ng anumang kabayaran. Sa gayon, malaking gantimpala ang tatamuhin ninyo, at kayo'y magiging mga anak ng Kataas-taasang Diyos. Sapagkat siya'y mabuti kahit sa masasama at sa mga hindi marunong magpasalamat. Maging mahabagin kayo tulad ng inyong Ama na mahabagin.” “Huwag kayong humatol at hindi kayo hahatulan. Huwag kayong magparusa at hindi kayo parurusahan. Magpatawad kayo at kayo'y patatawarin. Magbigay kayo at kayo'y bibigyan din; hustong takal, siksik, liglig, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang panukat na ginagamit ninyo sa iba ay siya ring gagamiting panukat sa inyo.” Tinanong sila ni Jesus nang patalinghaga, “Maaari kayang mag-akay ang isang bulag ng kapwa niya bulag? Pareho silang mahuhulog sa hukay kapag ginawa nila ang ganoon! Walang alagad na nakakahigit sa kanyang guro, ngunit matapos maturuang lubos, ang alagad ay makakatulad ng kanyang guro. “Bakit mo pinapansin ang puwing ng iyong kapatid ngunit hindi mo pinapansin ang troso sa iyong mata? Paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Kapatid, hayaan mong alisin ko ang iyong puwing,’ gayong hindi mo nakikita ang trosong nasa iyong mata? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa iyong mata, nang makakita kang mabuti; sa gayon, maaalis mo na ang puwing ng iyong kapatid.” “Walang mabuting punongkahoy na namumunga ng masama, at wala ring masamang puno na namumunga ng mabuti. Nakikilala ang bawat puno sa pamamagitan ng kanyang bunga. Sapagkat hindi nakakapitas ng igos sa matitinik na halaman o ng ubas sa mga dawag. Ang mabuting tao ay naglalabas ng mabuti mula sa kanyang pusong sagana sa kabutihan, samantalang ang masamang tao naman ay naglalabas ng masama mula sa kanyang pusong puno ng kasamaan. Sapagkat kung ano ang nag-uumapaw sa puso ay siyang sinasabi ng labi.” “Bakit ninyo ako tinatawag na ‘Panginoon, Panginoon,’ gayong hindi naman ninyo tinutupad ang sinasabi ko? Sasabihin ko sa inyo kung ano ang katulad ng taong lumalapit sa akin, nakikinig sa aking mga salita, at nagsasagawa ng mga ito. Siya ay katulad ng isang taong humukay nang malalim at nagtayo ng bahay sa pundasyong bato. Nang bumaha at bumugso ang tubig, hindi natinag ang bahay na itinayo, sapagkat matibay ang pagkakatayo nito. Ngunit ang nakikinig naman ng aking mga salita at hindi tumutupad nito ay katulad ng isang taong nagtayo ng bahay nang walang pundasyon. Nang bumaha at bumugso ang tubig sa bahay na iyon, kaagad itong bumagsak at lubusang nawasak.” Matapos sabihin ni Jesus ang mga ito sa mga tao, pumunta siya sa bayan ng Capernaum. Doon ay may isang kapitang Romano na may aliping mahal sa kanya. May sakit ang aliping ito at nasa bingit ng kamatayan. Nang mabalitaan ng kapitan ang tungkol kay Jesus, nagsugo siya ng ilang mga pinuno ng mga Judio upang pakiusapan si Jesus na dalawin at pagalingin ang alipin. Paglapit ng mga sugo kay Jesus, taimtim silang nakiusap sa kanya at sinabi, “Siya po'y karapat-dapat na pagbigyan ninyo sapagkat mahal niya ang ating bansa. Sa katunayan nga po, ipinagpatayo niya tayo ng isang sinagoga.” Sumama sa kanila si Jesus, ngunit nang malapit na siya sa bahay ay nasalubong niya ang mga kaibigan ng kapitan. Sila ay sinugo ng kapitan upang ipasabi kay Jesus ang ganito: “Ginoo, huwag na po kayong mag-abala. Hindi po ako karapat-dapat na puntahan pa ninyo sa aking tahanan, ni hindi rin po ako karapat-dapat na humarap sa inyo. Ngunit magsalita lamang po kayo at gagaling na ang aking alipin. Ako po ay nasa ilalim ng mga nakakataas sa akin at may nasasakupan naman akong mga kawal. Kapag sinabi ko sa isa, ‘Pumunta ka roon!’ pumupunta siya; at kapag sinabi ko naman po sa isa, ‘Halika!’ siya'y lumalapit. Kapag sinabi ko po sa aking alipin, ‘Gawin mo ito!’ ginagawa niya iyon.” Namangha si Jesus nang marinig ito, kaya't humarap siya sa napakaraming taong sumusunod sa kanya at sinabi, “Kahit na sa Israel ay hindi ako nakakita ng ganito kalaking pananampalataya.” Pagbalik nila sa bahay, naratnan ng mga isinugo na magaling na nga ang alipin. Pagkatapos nito, nagpunta naman si Jesus sa isang bayang tinatawag na Nain. Sumama sa kanya ang mga alagad at ang napakaraming tao. Nang malapit na siya sa pintuan ng bayan, may isang lalaking namatay na dala ng mga tao patungo sa libingan. Ito ay kaisa-isang anak na lalaki ng isang biyuda. Napakaraming tao mula sa bayan ang sumama upang makipaglibing. Nahabag ang Panginoon nang kanyang makita ang ina ng namatay kaya't sinabi niya rito, “Huwag kang umiyak.” Nilapitan niya at hinipo ang kabaong at tumigil ang mga may pasan nito. Sinabi niya, “Binata, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka!” Bumangon ang patay at nagsalita; at siya'y ibinigay ni Jesus sa kanyang ina. Natakot ang lahat at sila'y nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Dumating sa atin ang isang dakilang propeta! Dinalaw ng Diyos ang kanyang bayan!” At kumalat sa buong Judea at sa palibot na lupain ang balitang ito tungkol sa ginawa ni Jesus. Ibinalita kay Juan ng kanyang mga alagad ang lahat ng mga pangyayaring ito. Kaya't tinawag ni Juan ang dalawa sa kanila at pinapunta sa Panginoon upang itanong kung siya na nga ang ipinangakong darating, o kung maghihintay pa sila ng iba. Pagdating doo'y sinabi nila kay Jesus, “Pinapunta po kami dito ni Juan na Tagapagbautismo upang itanong kung kayo na nga ang darating, o maghihintay pa kami ng iba.” Nang oras na iyon, pinagaling ni Jesus ang maraming taong may sakit, may karamdaman at sinasapian ng masasamang espiritu. Maraming mga bulag ang binigyan niya ng paningin. Kaya't sinabi niya sa mga sugo ni Juan, “Bumalik kayo kay Juan at sabihin ninyo sa kanya ang inyong nakita at narinig; nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, gumagaling at lumilinis ang mga ketongin, nakakarinig ang mga bingi, muling nabubuhay ang mga patay, at ipinapangaral sa mga dukha ang Magandang Balita. Pinagpala ang taong hindi nag-aalinlangan sa akin!” Pagkaalis ng mga sugo, nagsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan, “Bakit kayo pumunta sa ilang? Ano ang ibig ninyong makita? Isang halamang tambo na inihahapay ng hangin? Ano nga ba ang inyong dinayo roon? Isang taong may magarang damit? Ang mga nagdaramit ng mamahalin at namumuhay sa karangyaan ay nasa palasyo ng mga hari. Ano nga ang inyong dinayo? Isang propeta? Oo. At sinasabi ko sa inyo, siya'y higit pa sa isang propeta. Sapagkat si Juan ang tinutukoy ng kasulatan: ‘Narito, ipinapadala ko ang aking sugo na mauuna sa iyo, upang ihanda ang iyong daraanan.’ Sinasabi ko sa inyo, wala pang isinilang na mas dakila kaysa kanya. Ngunit mas dakila kay Juan ang pinakamababa sa kaharian ng Diyos.” Ang lahat ng mga taong nakarinig sa kanya, pati na ang mga maniningil ng buwis ay nagpuri sa Diyos. Ang mga ito'y binautismuhan ni Juan. Ngunit ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa Kautusan ay tumanggi sa layunin ng Diyos para sa kanila sapagkat ayaw nilang magpabautismo kay Juan. Sinabi pa ni Jesus, “Kanino ko maihahambing ang mga tao ngayon? Ano ang nakakatulad nila? Ang katulad nila'y mga batang nakaupo sa palengke at sumisigaw sa kanilang mga kalaro, ‘Tinugtugan namin kayo ng plauta, ngunit hindi kayo sumayaw! Umawit kami ng panaghoy, ngunit hindi kayo umiyak!’ Sapagkat nang dumating si Juan na Tagapagbautismo, siya'y nag-aayuno at hindi umiinom ng alak; at ang sabi ninyo, ‘Sinasapian ng demonyo ang taong iyan!’ Nang dumating naman ang Anak ng Tao, siya'y kumakain at umiinom, ngunit sinasabi naman ninyo, ‘Tingnan ninyo ang taong iyan! Matakaw, lasenggo at kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan!’ Ngunit ang karunungan ng Diyos ay napatutunayang tama sa pamamagitan ng mga tumatanggap nito.” Inanyayahan si Jesus ng isa sa mga Pariseo upang makasalo niya. Pumunta naman siya sa bahay nito at dumulog sa hapag. Sa bayang iyon ay may isang babaing makasalanan. Nabalitaan niyang kumakain si Jesus sa bahay ng Pariseo, kaya't nagdala siya ng pabangong nasa sisidlang alabastro. Lumapit siya sa likuran ni Jesus sa gawing paanan. Umiiyak na binasâ niya ng kanyang mga luha ang mga paa ni Jesus. Pinunasan niya ng kanyang sariling buhok, hinalikan, at binuhusan ng pabango ang mga paa nito. Nang ito'y makita ng Pariseong nag-anyaya kay Jesus, nasabi nito sa sarili, “Kung totoong propeta ang taong ito, dapat ay alam niya na ang babaing humahawak sa kanyang paa ay isang makasalanan.” Bilang tugon sa iniisip ni Simon, sinabi ni Jesus, “Simon, may sasabihin ako sa iyo.” “Ano po iyon, Guro?” sagot niya. Sinabi ni Jesus, “May dalawang taong may utang sa isang nagpapahiram ng pera; limang daang salaping pilak ang inutang ng isa, at limampung salaping pilak naman ang sa ikalawa. Nang hindi sila makabayad, kapwa sila pinatawad. Ngayon, sino kaya sa kanila ang higit na magmamahal sa pinagkautangan?” Sumagot si Simon, “Sa palagay ko po'y ang pinatawad sa mas malaking utang.” “Tama ang sagot mo,” tugon ni Jesus. Nilingon niya ang babae at sinabi kay Simon, “Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay at hindi mo man lamang ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa; ngunit hinugasan niya ng luha ang aking mga paa at pinunasan ang mga ito ng sarili niyang buhok. Hindi mo ako hinalikan; ngunit siya, mula nang pumasok ay hindi tumigil ng kahahalik sa aking mga paa. Hindi mo nilagyan ng langis ang aking ulo, subalit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa. Kaya't sinasabi ko sa iyo, malaki ang kanyang pagmamahal sapagkat maraming kasalanan ang pinatawad sa kanya; ngunit ang pinatawad ng kaunti ay kaunti rin ang pagmamahal.” At sinabi niya sa babae, “Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” At ang kanyang mga kasalo sa pagkain ay nagsimulang magtanong sa sarili, “Sino ba itong nangangahas na magpatawad ng kasalanan?” Ngunit sinabi ni Jesus sa babae, “Iniligtas ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka na.” Pagkatapos nito, nilibot ni Jesus ang mga bayan at nayon sa paligid. Nangangaral siya at nagtuturo ng Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos. Kasama niya ang Labindalawa at ilang babaing pinagaling niya sa masasamang espiritu at sa kanilang mga karamdaman: si Maria na tinatawag na Magdalena (mula sa kanya'y pitong demonyo ang pinalayas), si Juana na asawa ni Cusa na katiwala ni Herodes, si Susana, at marami pang iba. Tinustusan ng mga ito mula sa sarili nilang ari-arian ang mga pangangailangan ni Jesus at ng kanyang mga alagad. Nagdatingan ang mga tao mula sa iba't ibang bayan at sila'y lumapit kay Jesus. Isinalaysay ni Jesus ang talinghagang ito: “Isang magsasaka ang pumunta sa bukid upang maghasik. Sa kanyang paghahasik, may binhing nalaglag sa daan, natapakan ng mga tao at tinuka ng mga ibon. May binhi namang nalaglag sa batuhan at tumubo, ngunit agad na natuyo dahil sa kakulangan sa tubig. May nalaglag naman sa may damuhang matinik, at nang lumago ang mga damo, sinakal nito ang mga binhing tumubo roon. Mayroon namang binhing nalaglag sa matabang lupa. Ito'y sumibol, lumago at namunga ng tig-iisandaan.” At pagkatapos ay sinabi niya nang malakas, “Makinig ang may pandinig!” Itinanong ng mga alagad kung ano ang kahulugan ng talinghagang ito. Sumagot si Jesus, “Ipinagkaloob sa inyo na maunawaan ang mga hiwaga tungkol sa kaharian ng Diyos, ngunit sa iba'y sa pamamagitan ng talinghaga. Nang sa gayon, ‘Tumingin man sila'y hindi sila makakakita; at makinig man sila'y hindi sila makakaunawa.’” “Ito ang kahulugan ng talinghaga: ang binhi ay ang Salita ng Diyos. Ang mga binhing nalaglag sa tabi ng daan ay ang mga taong nakikinig. Dumating ang diyablo at inalis nito ang Salita mula sa puso ng mga nakikinig upang hindi sila manalig at maligtas. Ang mga nalaglag naman sa batuhan ay ang mga nakarinig ng Salita at tumanggap nito nang may kagalakan, ngunit hindi ito nag-ugat sa kanilang puso. Sandali lamang silang naniwala, kaya't pagdating ng pagsubok, sila'y tumitiwalag. Ang mga nahasik naman sa may matitinik na damuhan ay ang mga nakinig sa salita ng Diyos, ngunit nang tumagal, nadaig sila ng mga alalahanin sa buhay at ng pagkahumaling sa kayamanan at kalayawan. Dahil dito, hindi nahihinog ang kanilang mga bunga. Ang mga nahasik naman sa matabang lupa ay ang mga nakikinig ng salita ng Diyos at nag-iingat nito sa kanilang pusong tapat at malinis, at sila'y namumunga dahil sa pagtitiyaga.” “Walang taong nagsisindi ng ilaw at pagkatapos ay tinatakluban ng banga o kaya'y itinatago sa ilalim ng higaan. Sa halip, inilalagay iyon sa talagang patungan upang magkaroon ng liwanag para sa mga pumapasok sa bahay. Walang natatago na di malalantad, at walang lihim na di mabubunyag. “Kaya't pagbutihin ninyo ang inyong pakikinig, sapagkat ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala ay aalisan pati ng inaakala niyang nasa kanya.” Dumating ang ina at mga kapatid ni Jesus, ngunit hindi sila makalapit sa kanya dahil sa dami ng tao. Kaya't may nagsabi sa kanya, “Nasa labas po ang inyong ina at mga kapatid; nais nilang makita kayo.” Ngunit sinabi ni Jesus, “Ang mga nakikinig at tumutupad ng salita ng Diyos ang aking ina at mga kapatid.” Isang araw, sumakay sa isang bangka si Jesus at ang kanyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa ibayo.” At ganoon nga ang ginawa nila. Nang sila ay naglalayag na, nakatulog si Jesus. Bumugso ang isang malakas na unos at ang bangka ay pinasok ng tubig, kaya't sila'y nanganib na lumubog. Nilapitan siya ng mga alagad at ginising. “Panginoon, Panginoon, mamamatay tayo!” sabi nila. Bumangon si Jesus at sinaway ang hangin at ang malalaking alon. Tumahimik ang mga ito at bumuti ang panahon. Pagkatapos, sinabi niya, “Nasaan ang inyong pananampalataya?” Ngunit sila'y natakot at namangha. Sinabi nila sa isa't isa, “Sino kaya ito? Inuutusan niya pati ang hangin at ang tubig, at sinusunod naman siya ng mga ito!” Dumaong sila sa lupain ng mga Geraseno, katapat ng Galilea sa kabilang ibayo ng lawa. Pagbaba ni Jesus sa bangka, sinalubong siya ng isang lalaking tagaroon na sinasapian ng mga demonyo. Matagal na itong hindi nagsusuot ng damit, ni ayaw ring tumira sa bahay kundi sa mga kuwebang libingan namamalagi. Nang makita si Jesus ay nagsisisigaw ang lalaki, nagpatirapa at sinabi nang malakas, “Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos, ano ang pakialam mo sa akin? Nakikiusap ako sa iyo, huwag mo akong pahirapan!” Ganoon ang sinabi nito sapagkat inutusan ni Jesus na lumabas ang masamang espiritu. Madalas itong sinasapian ng masasamang espiritu, at kahit ito'y bantayan at tanikalaan ang paa't kamay, pinaglalagut-lagot lamang nito ang mga iyon. Siya'y dinadala ng demonyo sa mga liblib na pook. Tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” “Batalyon,” sagot niya, sapagkat marami ang demonyong pumasok sa kanya. Nagmakaawa kay Jesus ang mga demonyo na huwag silang itapon sa kalalimang walang hanggan. Samantala, may malaking kawan ng baboy na nagsisikain sa isang bundok na malapit doon. Nakiusap ang mga demonyo na papasukin sila sa mga iyon, at pinahintulutan naman sila ni Jesus. Lumabas sa tao ang mga demonyo at pumasok sa mga baboy. Ang kawan ay biglang tumakbo papunta sa bangin at tuluy-tuloy na nahulog sa lawa at nalunod. Nang makita ito ng mga tagapag-alaga ng mga baboy, tumakbo sila at ipinamalita ito sa bayan at sa mga nayon. Lumabas ang mga tao upang tingnan ang nangyari. Paglapit nila kay Jesus, nakita nila ang taong dating sinasapian ng mga demonyo. Nakaupo siya sa paanan ni Jesus, nakadamit na at matino na ang isip. Sila'y lubhang natakot. Isinalaysay sa kanila ng mga nakakita kung paanong gumaling ang dating sinasapian ng mga demonyo. Kaya't nakiusap kay Jesus ang mga Geraseno na umalis na lamang siya sa kanilang lupain, sapagkat sila'y takot na takot. Kaya't sumakay siya sa bangka at umalis sa pook na iyon. Nakiusap kay Jesus ang taong inalisan ng mga demonyo na siya'y isama nito. Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, “Umuwi ka na at ipamalita mo ang dakilang bagay na ginawa sa iyo ng Diyos.” Umuwi nga ang lalaki at ipinamalita sa buong bayan ang ginawa sa kanya ni Jesus. Pagbalik ni Jesus, masaya siyang tinanggap ng mga tao sapagkat siya'y hinihintay nila. Dumating noon ang isang lalaking nagngangalang Jairo, isang tagapamahala ng sinagoga. Nagpatirapa ito at nakiusap kay Jesus na sumama sa kanyang bahay, sapagkat ang kaisa-isa niyang anak na babae na maglalabindalawang taong gulang na ay naghihingalo. Habang naglalakad si Jesus papunta sa bahay ni Jairo, sinisiksik siya ng mga tao. Kabilang sa mga ito ang isang babaing labindalawang taon nang dinudugo at hindi mapagaling ninuman. [Naubos na ang kanyang kabuhayan sa mga manggagamot.] Lumapit siya sa likuran ni Jesus at hinawakan ang laylayan ng damit nito. Noon di'y tumigil ang kanyang pagdurugo. Nagtanong si Jesus, “Sino ang humawak sa damit ko?” Nang walang umamin, sinabi ni Pedro, “Panginoon, napapaligiran po kayo at sinisiksik ng mga tao!” Ngunit sinabi ni Jesus, “May humawak sa damit ko! Naramdaman kong may kapangyarihang lumabas sa akin.” Nang malaman ng babae na hindi pala maililihim ang kanyang ginawa, siya'y nanginginig na lumapit at nagpatirapa sa paanan ni Jesus. Pagkatapos, sinabi niya sa lahat ng naroon kung bakit niya hinawakan ang damit ni Jesus, at kung paanong siya'y agad na gumaling. Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya. Umuwi ka nang mapayapa.” Nagsasalita pa si Jesus nang dumating ang isang lalaking galing sa bahay ni Jairo. “Patay na po ang inyong anak!” sabi niya kay Jairo. “Huwag na po ninyong abalahin ang Guro.” Nang ito'y marinig ni Jesus, sinabi niya kay Jairo, “Huwag kang matakot. Manalig ka lamang at siya'y gagaling.” Pagdating sa bahay, wala siyang isinama sa loob kundi sina Pedro, Juan at Santiago, at ang mga magulang ng dalagita. Nag-iiyakan ang lahat ng naroroon at kanilang tinatangisan ang bata. Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag kayong umiyak. Hindi patay ang bata; natutulog lamang.” Pinagtawanan nila si Jesus sapagkat alam nilang patay na ang dalagita. Ngunit hinawakan ni Jesus ang kamay nito at sinabi, “Bumangon ka, bata!” Nagbalik ang hininga ng dalagita at ito'y agad na bumangon. Pagkatapos, pinabigyan siya ni Jesus ng pagkain. Manghang-mangha ang mga magulang ng bata, ngunit pinagbilinan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang pangyayaring ito. Tinipon ni Jesus ang Labindalawa at binigyan sila ng kapangyarihan at karapatang magpalayas ng mga demonyo at magpagaling ng mga may sakit. Isinugo sila ni Jesus upang mangaral tungkol sa kaharian ng Diyos at upang magpagaling ng mga maysakit. Sila'y pinagbilinan niya, “Huwag kayong magbabaon ng anuman sa inyong paglalakbay, kahit tungkod, balutan, tinapay, salapi, o bihisan man. Makituloy kayo sa sinumang tumanggap sa inyo, at manatili kayo sa bahay nito hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. Kung hindi naman kayo tanggapin ng mga tao sa isang bayan, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok sa inyong mga paa bilang babala laban sa kanila.” Kaya't humayo ang mga alagad at pumunta sa mga nayon. Ipinangaral nila ang Magandang Balita at pinagaling ang mga maysakit sa lahat ng dako. Nabalitaan ni Herodes na pinuno ng Galilea ang lahat ng mga nangyayari. Nabagabag siya sapagkat may nagsasabing muling nabuhay si Juan na Tagapagbautismo. Sinasabi naman ng iba, “Nagpakita si Elias.” May nagsasabi pang, “Ang isa sa mga propeta noong unang panahon ay muling nabuhay.” Ngunit sinabi ni Herodes, “Pinapugutan ko na si Juan. Sino kaya ang lalaking ito? Marami na akong nababalitaan tungkol sa kanya.” Kaya sinikap niyang makita si Jesus. Pagbalik ng mga apostol, isinalaysay nila kay Jesus ang lahat ng kanilang ginawa. Pagkatapos, umalis si Jesus kasama ang mga alagad papunta sa bayan ng Bethsaida. Sinundan siya ng mga tao nang malaman ito, at malugod naman silang tinanggap ni Jesus. Nagsalita siya sa mga tao tungkol sa kaharian ng Diyos at pinagaling niya ang mga may karamdaman. Nang malapit nang lumubog ang araw, nilapitan siya ng Labindalawa at sinabi nila, “Paalisin na po ninyo ang mga tao upang makahanap sila ng makakain at matutuluyan sa mga nayon sa paligid. Nasa liblib na lugar po tayo.” Ngunit sinabi niya, “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” Sumagot naman ang mga alagad, “Wala po tayong pagkain kundi limang tinapay at dalawang isda. Bibili po ba kami ng pagkain para sa lahat ng taong ito?” Halos limanlibo ang mga lalaking naroon. Sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Paupuin ninyo ang mga tao nang lima-limampu.” Pinaupo nga nila ang lahat. Kinuha ni Jesus ang limang tinapay at dalawang isda, tumingin sa langit at nagpasalamat sa Diyos. Pinaghati-hati niya ang mga tinapay at isda at ibinigay sa kanyang mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. Silang lahat ay nakakain at nabusog. Nang ipunin ng mga alagad ang lumabis na pagkain, nakapuno pa sila ng labindalawang kaing. Isang araw, habang si Jesus ay nananalanging mag-isa, lumapit sa kanya ang mga alagad. Tinanong sila ni Jesus, “Ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa akin? Sino raw ako?” Sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan, kayo si Juan na Tagapagbautismo; sabi naman po ng iba, kayo si Elias; may nagsasabi namang muling nabuhay ang isa sa mga propeta noong unang panahon.” “Kayo naman, ano ang sabi ninyo?” tanong niya sa kanila. “Kayo po ang Cristo ng Diyos!” sagot ni Pedro. Mahigpit na itinagubilin ni Jesus sa kanyang mga alagad na huwag nilang sasabihin ito kaninuman. Sinabi pa niya sa kanila, “Ang Anak ng Tao'y dapat magdanas ng matinding hirap. Itatakwil siya ng mga pinuno ng bayan, ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Siya ay papatayin ngunit sa ikatlong araw ay muli siyang mabubuhay.” At sinabi niya sa kanilang lahat, “Ang sinumang nagnanais sumunod sa akin ay kinakailangang itakwil ang kanyang sarili, pasanin araw-araw ang kanyang krus, at sumunod sa akin. Ang naghahangad na magligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito. Ano nga ang mapapala ng tao, makamtan man niya ang buong daigdig kung mapapahamak naman at mawawala ang kanyang buhay? Kapag ako at ang aking mga salita ay ikakahiya ninuman, ikakahiya rin siya ng Anak ng Tao pagparito niya na taglay ang kanyang karangalan at ang karangalan ng Ama at ng mga banal na anghel. Sinasabi ko sa inyo ang totoo: may ilan sa inyo ritong hindi mamamatay hangga't hindi nila nakikita ang kaharian ng Diyos.” Makalipas ang halos walong araw pagkatapos sabihin ni Jesus ang mga ito, umakyat siya sa bundok upang manalangin. Isinama niya sina Pedro, Juan at Santiago. Habang siya'y nananalangin, nagbago ang anyo ng kanyang mukha at ang kanyang kasuotan ay nagningning sa kaputian. Biglang may lumitaw na dalawang lalaki na nakikipag-usap sa kanya, sina Moises at Elias, na nagpakitang may kaningningan. Pinag-usapan nila ang pagpanaw ni Jesus na malapit na niyang isakatuparan sa Jerusalem. Natutulog sina Pedro noon at paggising nila ay nakita nila si Jesus na nakakasilaw ang anyo at may dalawang lalaking nakatayo sa tabi niya. Nang papaalis na ang mga lalaki, sinabi ni Pedro, “Panginoon, mabuti po at nandito kami. Magtatayo po kami ng tatlong tolda, isa para sa inyo, isa kay Moises, at isa kay Elias.”—ngunit hindi niya nalalaman ang kanyang sinasabi. Nagsasalita pa siya nang liliman sila ng ulap, at natakot sila nang matakpan sila nito. May isang tinig na nagsalita mula sa ulap, “Ito ang aking Anak, ang aking Hinirang. Pakinggan ninyo siya!” Nang mawala ang tinig, nakita nilang nag-iisa na si Jesus. Hindi muna ipinamalita ng mga alagad ang kanilang nakita. Kinabukasan, bumabâ sila mula sa bundok at si Jesus ay sinalubong ng napakaraming tao. Mula sa karamihan ay may isang lalaking sumigaw, “Guro, nakikiusap ako sa inyo, tingnan po ninyo ang kaisa-isa kong anak na lalaki! Sinasaniban siya ng isang espiritu at bigla na lamang siyang nagsisisigaw at nangingisay hanggang sa bumula ang bibig. Lubha po siyang pinapahirapan at halos ayaw nang tigilan nito. Nakiusap po ako sa inyong mga alagad na palayasin nila ito ngunit hindi nila magawa.” Sumagot si Jesus, “Lahing napakasama at walang pananampalataya! Hanggang kailan pa ako dapat manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan?” At sinabi niya sa lalaki, “Dalhin ninyo rito ang iyong anak.” Nang papalapit na ang bata, pinangisay na naman ito ng demonyo at bumagsak sa lupa. Ngunit sinaway ni Jesus ang masamang espiritu at pinagaling ang bata; pagkatapos ay ibinigay sa ama nito. At namangha ang mga tao sa nakita nilang kapangyarihan ng Diyos. Hangang-hanga ang lahat ng mga tao sa ginawa ni Jesus, ngunit sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Pakinggan ninyo at tandaan itong sasabihin ko: ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa kamay ng mga tao.” Ngunit hindi nila ito naunawaan sapagkat inilihim sa kanila ang kahulugan nito. Natakot naman silang magtanong sa kanya kung ano ang ibig niyang sabihin. At nagtalu-talo ang mga alagad kung sino sa kanila ang pinakadakila. Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't tinawag niya ang isang maliit na bata at pinatayo sa tabi niya. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ang sinumang tumatanggap sa batang ito alang-alang sa akin ay tumatanggap sa akin; at ang sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin. Ang pinakaaba sa inyong lahat ay siyang pinakadakila.” Sinabi ni Juan, “Panginoon, nakakita po kami ng isang taong nagpapalayas ng mga demonyo sa inyong pangalan. Pinagbawalan po namin siya sapagkat hindi natin siya kasamahan.” Ngunit sinabi ni Jesus, “Huwag ninyo siyang pagbawalan, sapagkat ang hindi laban sa inyo ay kakampi ninyo.” Nang nalalapit na ang panahong iaakyat si Jesus sa langit, buo na ang kanyang kapasyahang pumunta sa Jerusalem. Sinugo niya ang ilan upang mauna sa kanya. Pumunta sila sa isang nayon sa Samaria upang ipaghanda siya ng matutuluyan. Ngunit ayaw siyang patuluyin ng mga Samaritano dahil buo na ang kanyang kapasyahang pumunta sa Jerusalem. Nang makita ito nina Santiago at Juan, sinabi nila, “Panginoon, gusto ba ninyong magpaulan kami ng apoy mula sa langit upang sila'y lipulin [tulad ng ginawa ni Elias]? ” Ngunit hinarap sila ni Jesus at sila'y pinagalitan. [“Hindi ninyo alam kung anong espiritu ang nasa inyo. Ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang ipahamak kundi iligtas ang mga tao.”] At nagpunta sila sa ibang nayon. Samantalang sila'y naglalakad, may isang lalaking lumapit at nagsabi kay Jesus, “Susunod po ako sa inyo kahit saan kayo pumunta.” Sumagot si Jesus, “May lungga ang asong-gubat, at may pugad ang mga ibon, ngunit ang Anak ng Tao ay wala man lamang mapagpahingahan.” At sinabi naman niya sa isa, “Sumunod ka sa akin.” Ngunit sumagot ito, “Panginoon, hayaan lang po muna ninyong maipalibing ko ang aking ama.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Hayaan mo na ang mga patay ang maglibing sa kanilang mga patay. Ngunit humayo ka at ipahayag mo ang kaharian ng Diyos.” May isa namang nagsabi sa kanya, “Susunod po ako sa inyo, Panginoon, ngunit hayaan ninyong magpaalam muna ako sa aking pamilya.” At ganito naman ang tugon ni Jesus, “Sinumang nagsimulang mag-araro ngunit panay ang lingon ay hindi karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.” Pagkatapos nito, pumili pa ang Panginoon ng pitumpu't dalawa. Sila ay isinugo niya nang dala-dalawa sa bawat bayan at pook na pupuntahan niya. Sinabi niya sa kanila, “Napakarami ng aanihin ngunit kakaunti ang mga mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng aanihin na magpadala siya ng mga mag-aani. Humayo kayo! Isinusugo ko kayong parang mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat. Huwag kayong magdala ng lalagyan ng pera, balutan, o sandalyas. Huwag na kayong tumigil upang bumati kaninuman sa daan. Pagpasok ninyo sa alinmang bahay, sabihin muna ninyo, ‘Maghari nawa ang kapayapaan sa bahay na ito!’ Kung maibigin sa kapayapaan ang nakatira roon, tatanggapin nila ang kapayapaan ninyo; ngunit kung hindi, babalik sa inyo ang inyong pagbasbas. Makituloy kayo sa bahay na iyon at huwag kayong magpapalipat-lipat ng tinutuluyan. Kainin ninyo at inumin ang anumang ihain sa inyo sapagkat ang manggagawa ay karapat-dapat tumanggap ng sahod. Pagpasok ninyo sa isang bayan at tinanggap kayo, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo. Pagalingin ninyo ang mga maysakit doon at sabihin sa mga tagaroon, ‘Malapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos.’ Ngunit pagpasok ninyo sa isang bayan at hindi kayo tinanggap, pumunta kayo sa mga lansangan nito at sabihin, ‘Pati ang alikabok ng inyong bayan na dumikit sa aming mga paa ay inaalis namin bilang babala sa inyo. Ngunit pakatandaan ninyo, malapit na ang kaharian ng Diyos!’ Sinasabi ko sa inyo, mas kahahabagan pa ang mga taga-Sodoma kaysa bayang iyon sa Araw ng Paghuhukom!” “Kawawa kayo mga taga-Corazin! Kawawa kayo mga taga-Bethsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga himalang ginawa sa inyo, matagal na sanang nagdamit ng sako at naupo sa abo ang mga tagaroon bilang tanda ng kanilang pagsisisi. Mas kahahabagan pa ang mga taga-Tiro at taga-Sidon kaysa inyo sa Araw ng Paghuhukom. At kayong mga taga-Capernaum, nais pala ninyong itaas ang inyong sarili hanggang langit? Ibabagsak kayo hanggang sa daigdig ng mga patay! Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Ang nakikinig sa inyo ay sa akin nakikinig, ang nagtatakwil sa inyo ay nagtatakwil sa akin, at ang nagtatakwil sa akin ay nagtatakwil sa nagsugo sa akin.” Masayang-masayang bumalik ang pitumpu't dalawa. Iniulat nila, “Panginoon, kahit po ang mga demonyo ay napapasunod namin dahil sa kapangyarihan ng inyong pangalan.” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Nakita kong parang kidlat na nahulog si Satanas mula sa langit. Binigyan ko kayo ng kapangyarihang tapakan ang mga ahas at mga alakdan, at daigin ang lahat ng kapangyarihan ng kaaway; at walang makakapanakit sa inyo. Ngunit magalak kayo, hindi dahil sa napapasunod ninyo ang masasamang espiritu, kundi dahil nakatala sa langit ang inyong mga pangalan.” Nang oras ding iyon, si Jesus ay napuspos ng kagalakan sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Sinabi niya, “Salamat sa iyo, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo sa marurunong at matatalino ang mga bagay na ito, ngunit inihayag mo sa mga walang muwang. Oo, Ama, sapagkat ganoon ang nais mong mangyari. “Ibinigay sa akin ng aking Ama ang lahat ng bagay. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at wala namang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang mga taong minarapat ng Anak na makakilala sa Ama.” Humarap si Jesus sa mga alagad at sinabi nang walang ibang nakakarinig, “Pinagpala kayo sapagkat nakita ninyo ang mga nakikita ninyo ngayon. Sinasabi ko sa inyo, maraming propeta at mga hari ang naghangad na makita ang inyong nakikita at marinig ang inyong naririnig, subalit hindi nila ito nakita ni narinig.” Isang dalubhasa sa Kautusan ang lumapit kay Jesus upang siya'y subukin. “Guro, ano ang dapat kong gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan?” tanong niya. Sumagot si Jesus, “Ano ba ang nakasulat sa Kautusan? Ano ba ang nababasa mo roon?” Sumagot ang lalaki, “‘Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, buong lakas mo, at buong pag-iisip mo;’ at ‘Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.’” Sabi ni Jesus, “Tama ang sagot mo. Gawin mo iyan at magkakamit ka ng buhay na walang hanggan.” Upang huwag siyang lumabas na kahiya-hiya, nagtanong pa ang lalaki, “Sino naman ang aking kapwa?” Sumagot si Jesus, “May isang taong naglalakbay mula sa Jerusalem papuntang Jerico. Hinarang siya ng mga tulisan, hinubaran, binugbog, at iniwang halos patay na. Nagkataong dumaan doon ang isang paring Judio. Nang makita ang taong nakahandusay, lumihis siya at nagpatuloy sa kanyang paglakad. Dumaan din ang isang Levita, ngunit nang makita niya ang taong binugbog, lumihis din ito at nagpatuloy sa kanyang paglakad. Ngunit may isang Samaritanong naglalakbay na napadaan doon. Nang makita niya ang biktima, siya'y naawa. Nilapitan niya ito, binuhusan ng langis at alak ang mga sugat at binendahan. Pagkatapos, isinakay niya ang lalaki sa kanyang asno at dinala ito sa bahay-panuluyan upang maalagaan siya doon. Kinabukasan, binigyan niya ng dalawang salaping pilak ang namamahala ng bahay-panuluyan, at sinabi, ‘Alagaan mo siya, at kung higit pa riyan ang iyong magagastos, babayaran kita pagbalik ko.’” At nagtanong si Jesus, “Sa palagay mo, sino kaya sa tatlo ang naging tunay na kapwa ng taong hinarang ng mga tulisan?” “Ang taong tumulong sa kanya,” tugon ng dalubhasa sa kautusan. Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung gayon, humayo ka at ganoon din ang gawin mo.” Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpatuloy sa kanilang paglalakbay, at pumasok sa isang nayon. Malugod silang tinanggap sa tahanan ni Martha. May kapatid siyang si Maria na naupo sa may paanan ng Panginoon upang makinig sa kanyang itinuturo. Si Martha naman ay abalang-abala sa paghahanda, kaya't lumapit siya kay Jesus at nagsabi, “Panginoon, balewala po ba sa inyo na pinababayaan ako ng kapatid kong maghanda nang nag-iisa? Sabihan nga po ninyo siyang tulungan naman ako.” Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Martha, Martha, nababalisa ka at abalang-abala sa maraming bagay, ngunit iisa lamang ang kailangan. Pinili ni Maria ang mabuti at ito'y hindi aalisin sa kanya.” Minsan, nanalangin si Jesus sa isang lugar. Nang siya'y matapos, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, tulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung kayo'y mananalangin, sabihin ninyo, ‘Ama, sambahin nawa ang iyong pangalan. Dumating nawa ang iyong kaharian. Bigyan mo kami ng aming pagkain sa araw-araw. At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan, sapagkat pinapatawad namin ang bawat nagkakasala sa amin. At huwag mo kaming hayaang matukso.’” Sinabi pa rin niya sa kanila, “Ipalagay nating isang hatinggabi, isa sa inyo'y nagpunta sa isa ninyong kaibigan at nakiusap, ‘Kaibigan, pahiram muna ng tatlong tinapay. Dumating kasi ang isa kong kaibigang naglalakbay at wala akong maihain sa kanya!’ At ganito naman ang sagot ng kaibigan mong nasa loob ng bahay, ‘Huwag mo akong gambalain! Sarado na ang pinto at nakahiga na kami ng aking mga anak. Hindi na ako makakabangon para bigyan ka ng kahit ano.’ Sinasabi ko sa inyo, hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagiging magkaibigan, babangon siya upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan dahil sa pagpupumilit nito. Kaya't sinasabi ko sa inyo, humingi kayo at kayo'y bibigyan; humanap kayo at kayo'y makakatagpo; kumatok kayo at kayo'y pagbubuksan. Sapagkat ang bawat humihingi ay tatanggap; ang bawat humahanap ay makakatagpo; at ang bawat kumakatok ay pagbubuksan. Kayong mga ama, bibigyan ba ninyo ng ahas ang inyong anak kung ito'y humihingi ng isda? Bibigyan ba ninyo siya ng alakdan kung siya'y humihingi ng itlog? Kayo ngang masasama ay marunong magbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak. Lalo na ang inyong Ama na nasa langit, na magbibigay ng Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!” Minsan, pinalayas ni Jesus ang isang demonyo mula sa isang lalaking pipi. Nang nakapagsalita ito, ang mga tao ay humanga kay Jesus. Subalit sinabi naman ng ilan sa mga naroon, “Nakapagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Beelzebul, ang pinuno ng mga demonyo.” May mga nagnanais na siya'y subukin kaya't patuloy na humihiling na magpakita siya ng isang himala mula sa langit. Subalit alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya't sinabi niya, “Ang bawat kahariang naglalaban-laban ang mga mamamayan ay babagsak, at alinmang sambahayang sila-sila ang naglalaban ay mawawasak. Kung kinakalaban ni Satanas ang kanyang sarili, paano mananatili ang kanyang kaharian? Sinasabi ninyong nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul. Kung ako'y nagpapalayas ng mga demonyo sa kapangyarihan ni Beelzebul, sa kaninong kapangyarihan naman nagpapalayas ng demonyo ang inyong mga tagasunod? Sila na rin ang magpapatunay na mali kayo. Nagpapalayas ako ng mga demonyo sa kapangyarihan ng Diyos, at ito'y nangangahulugang dumating na sa inyo ang kaharian ng Diyos. “Kapag ang isang taong malakas ay nagbabantay sa kanyang bahay na dala ang kanyang mga sandata, ligtas ang kanyang mga ari-arian. Ngunit kung salakayin siya ng isang taong higit na malakas kaysa kanya, sasamsamin nito ang mga sandatang kanyang inaasahan at ipamamahagi nito ang mga inagaw na ari-arian. “Ang hindi ko kakampi ay kalaban ko, at ang hindi ko kasamang nag-iipon ay nagkakalat.” “Kapag lumabas sa tao ang isang masamang espiritu, nagpapagala-gala ito sa mga tigang na lugar at naghahanap ng mapagpapahingahan. Kapag wala siyang makita, sasabihin niya sa sarili, ‘Babalik ako sa bahay na aking pinanggalingan.’ Sa pagbabalik niya ay madadatnan niyang malinis at maayos ang bahay. Kaya't lalabas siyang muli at magsasama ng pito pang espiritung mas masasama kaysa kanya. Papasok sila at maninirahan doon, kaya't mas masama pa kaysa dati ang kalagayan ng taong iyon.” Habang nagsasalita si Jesus, may isang babaing sumigaw mula sa karamihan, “Pinagpala ang babaing nagbuntis at nag-alaga sa iyo.” Ngunit sumagot siya, “Higit na pinagpala ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!” Nang dumagsa ang mga tao, sinabi ni Jesus, “Napakasama ng mga tao sa panahong ito. Naghahanap sila ng palatandaang mula sa langit, subalit walang palatandaang ipapakita sa kanila maliban sa nangyari kay Jonas. Kung paanong si Jonas ay naging isang palatandaan sa mga taga-Nineve, gayundin naman, ang Anak ng Tao ay magiging isang palatandaan sa lahing ito. Sa Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang Reyna ng Sheba laban sa lahing ito, sapagkat naglakbay siya mula pa sa dulo ng daigdig upang mapakinggan ang karunungan ni Solomon, ngunit ang naririto ngayon ay higit na dakila kaysa kay Solomon. Sa Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang mga taga-Nineve laban sa lahing ito, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas. Pakinggan ninyo, lalong dakila kay Jonas ang naririto ngayon.” “Walang nagsisindi ng ilaw upang itago lamang iyon, [o kaya'y ilagay sa ilalim ng banga]. Inilalagay ang ilaw sa talagang patungan upang matanglawan ang mga pumapasok sa bahay. Ang iyong mata ang ilaw ng iyong katawan. Kung malinaw ang iyong mata, mapupuno ng liwanag ang buo mong katawan. Ngunit kung malabo ang iyong mata, ang buo mong katawan ay mapupuno ng kadiliman. Kaya't mag-ingat ka, baka ang liwanag na inaakala mong nasa iyo ay kadiliman pala. Kung nasa liwanag ang buo mong katawan at walang bahaging nasa dilim, magliliwanag itong parang isang ilawan na tumatanglaw sa iyo.” Pagkatapos magsalita, si Jesus ay inanyayahan ng isang Pariseo upang kumain sa bahay niya. Nagpaunlak si Jesus at dumulog sa hapag. Nagulat ang Pariseo nang makita niyang si Jesus ay hindi muna naghugas ng kamay bago kumain. Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Kayong mga Pariseo, hinuhugasan ninyo ang labas ng baso at ng pinggan, ngunit ang loob ninyo'y punung-puno ng kasakiman at kasamaan. Mga hangal! Hindi ba't ang lumikha ng nasa labas ang siya ring lumikha ng nasa loob? Ipamahagi muna ninyo sa mga dukha ang laman ng inyong mga baso at pinggan, at magiging malinis ang lahat ng bagay para sa inyo. “Kahabag-habag kayong mga Pariseo! Ibinibigay ninyo ang ikasampung bahagi ng yerbabuena, ruda, at iba pang halamang panimpla sa pagkain, ngunit kinakaligtaan naman ninyo ang katarungan at ang pag-ibig sa Diyos. Dapat lamang na gawin ninyo ito ngunit hindi dapat kaligtaan ang mas mahahalagang bagay. “Kahabag-habag kayong mga Pariseo! Mahihilig kayo sa mga upuang pandangal sa mga sinagoga, at ibig ninyong pagpugayan kayo sa mga palengke. Kahabag-habag kayo sapagkat para kayong mga libingang walang tanda kaya't nalalakaran ng mga tao nang hindi nila namamalayan.” Sinabi sa kanya ng isa sa mga dalubhasa sa Kautusan, “Guro, sa sinabi ninyong iyan, pati kami'y kinukutya ninyo.” Sinagot naman siya ni Jesus, “Kahabag-habag din kayo, mga dalubhasa sa kautusan! Pinagpapasan ninyo ng mabibigat na dalahin ang mga tao, ngunit ni daliri ay ayaw ninyong igalaw upang matulungan sila. Kahabag-habag kayo! Ipinagpapatayo pa ninyo ng magagarang libingan ang mga propetang pinatay ng inyong mga ninuno. Sa gayon, kayo na rin ang nagpapatunay na sang-ayon kayo sa ginawa ng inyong mga ninuno, sapagkat sila ang pumatay sa mga propeta at kayo naman ang nagtatayo ng libingan ng mga ito. Dahil dito'y sinabi rin ng Karunungan ng Diyos, ‘Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol; ang ilan ay papatayin nila at ang iba nama'y uusigin.’ Sa gayon, pananagutan ng salinlahing ito ang pagpaslang sa lahat ng mga propetang pinaslang mula nang likhain ang daigdig, magmula kay Abel hanggang kay Zacarias na pinatay sa pagitan ng dambana at ng Dakong Banal. Oo, sinasabi ko sa inyo, mananagot ang salinlahing ito. “Kahabag-habag kayo, mga dalubhasa sa Kautusan! Sapagkat ipinagkakait ninyo ang susi ng kaalaman. Hindi na nga kayo pumapasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga ibang nais pumasok.” At umalis si Jesus doon. Mula noon, tinuligsa na siya ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga Pariseo at pinagtatatanong tungkol sa maraming bagay, upang masilo siya sa pamamagitan ng kanyang pananalita. Samantala, dumaragsa ang libu-libong tao, at sa sobrang dami ay nagkakatapakan na sila. Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang ginagamit ng mga Pariseo. Ang tinutukoy ko ay ang kanilang pagkukunwari. Walang natatago na di malalantad at walang nalilihim na di mabubunyag. Ang sinabi ninyo sa dilim ay maririnig sa liwanag at ang ibinulong ninyo sa loob ng silid ay ipagsisigawan sa lansangan. “Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan, huwag kayong matakot sa mga taong pumapatay ng katawan at wala nang kayang gawin higit pa rito. Sasabihin ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan. Katakutan ninyo siya na pagkatapos pumatay ay may kapangyarihan ding magtapon sa impiyerno. Sinasabi ko sa inyo, ang Diyos ang dapat ninyong katakutan! “Hindi ba't ipinagbibili ang limang maya sa halaga lamang ng dalawang salaping tanso? Gayunman, kahit isa sa kanila'y hindi kinakalimutan ng Diyos. Maging ang buhok ninyo'y bilang niyang lahat. Kaya't huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa maraming maya.” “Sinasabi ko rin sa inyo, ang sinumang kumilala sa akin sa harapan ng mga tao ay kikilalanin din naman ng Anak ng Tao sa harapan ng mga anghel ng Diyos. Ngunit ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao ay ikakaila ko rin naman sa harap ng mga anghel ng Diyos. “Ang sinumang magsalita laban sa Anak ng Tao ay patatawarin, ngunit ang sinumang lumapastangan sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin. “Kapag kayo'y dinala nila sa sinagoga, o sa harap ng mga pinuno at ng mga may kapangyarihan upang litisin, huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili o kung ano ang inyong sasabihin sapagkat sa oras na iyon, ang Espiritu Santo ang magtuturo sa inyo kung ano ang dapat ninyong sabihin.” Sinabi kay Jesus ng isa sa mga naroroon, “Guro, iutos nga po ninyo sa kapatid ko na paghatian namin ang aming mana.” Sumagot siya, “Sino ang naglagay sa akin bilang hukom o tagapaghati ng mana ninyo?” At sinabi niya sa kanilang lahat, “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa dami ng kanyang kayamanan.” Pagkatapos, isinalaysay ni Jesus ang isang talinghaga. “Isang mayaman ang umani nang sagana sa kanyang bukirin. Kaya't nasabi niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko ngayon? Wala na akong paglagyan ng aking mga ani! Alam ko na! Ipagigiba ko ang aking mga kamalig at magpapatayo ako ng mas malalaki. Doon ko ilalagay ang aking ani at ibang ari-arian. Pagkatapos, ay sasabihin ko sa aking sarili, marami ka nang naipon para sa mahabang panahon. Kaya't magpahinga ka na lamang, kumain, uminom, at magpakasaya!’ “Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabi ring ito'y babawian ka na ng buhay. Kanino ngayon mapupunta ang mga inilaan mo para sa iyong sarili?’ Ganyan ang sasapitin ng sinumang nag-iipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.” Sinabi pa ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kaya't sinasabi ko sa inyo: huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong buhay, sa inyong kakainin, o tungkol sa damit na kailangan ng inyong katawan. Sapagkat ang buhay ay higit pa kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit. Tingnan ninyo ang mga uwak, hindi sila nagtatanim ni umaani man; wala rin silang imbakan o kamalig; ngunit pinapakain sila ng Diyos. Higit kayong mahalaga kaysa mga ibon! Sino sa inyo ang makakapagdagdag sa kanyang buhay ng kahit isang oras dahil sa pagkabalisa? Kung hindi ninyo magawâ ang ganoong kaliit na bagay, bakit kayo nababalisa tungkol sa ibang mga bagay? Tingnan ninyo ang mga bulaklak sa parang kung paano sila lumalago. Hindi sila nagtatrabaho ni humahabi man. Ngunit sinasabi ko sa inyo, kahit si Solomon sa kanyang karangyaan ay hindi nakapagdamit ng singganda ng isa sa mga bulaklak na ito. Kung dinadamitan ng Diyos ang mga damo sa parang na buháy ngayon at kinabukasa'y iginagatong sa kalan, kayo pa kaya? Kay liit ng inyong pananampalataya! Kaya't huwag kayong labis na mag-isip kung saan kayo kukuha ng kakainin at iinumin. Huwag na kayong mangamba. Ang mga bagay na ito ang pinagkakaabalahan ng mga taong di nananalig sa Diyos. Alam ng inyong Ama na kailangan ninyo ang lahat ng iyan. Subalit, bigyang halaga ninyo nang higit sa lahat ang kaharian ng Diyos, at ibibigay niya sa inyo ang mga bagay na ito.” “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian. Ipagbili ninyo ang inyong ari-arian, at ipamahagi sa mga dukha ang pinagbilhan! Gumawa kayo ng mga sisidlang hindi naluluma at mag-ipon kayo sa langit ng kayamanang hindi nauubos. Doo'y walang magnanakaw na pumapasok at insektong sumisira. Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan ay naroon din ang inyong puso.” “Maging handa kayong lagi at panatilihing maliwanag ang inyong mga ilawan. Tumulad kayo sa mga aliping naghihintay sa pag-uwi ng kanilang panginoon buhat sa kasalan, upang kung ito'y dumating at kumatok ay mabuksan nila agad ang pinto. Pinagpala ang mga aliping aabutang nagbabantay pagdating ng kanilang panginoon. Tandaan ninyo: magbibihis siya at pauupuin sila, ipaghahanda sila ng pagkain at pagsisilbihan. Pinagpala sila kung maratnan silang handa pagdating ng Panginoon, maging sa hatinggabi o sa madaling-araw man. Sinasabi ko sa inyo, kung alam lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya pababayaang makapasok ito. Kayo man ay dapat na humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.” Nagtanong si Pedro, “Panginoon, sinasabi po ba ninyo ang talinghagang ito para sa amin o para sa lahat?” Sumagot ang Panginoon, “Sino nga ba ang tapat at matalinong katiwala? Sino ang katiwalang pamamahalain ng kanyang panginoon sa kanyang sambahayan upang magbigay sa ibang mga alipin ng kanilang pagkain sa takdang oras? Pinagpala ang aliping madaratnang gumaganap ng tungkulin pag-uwi ng kanyang panginoon. Sinasabi ko sa inyo, pamamahalain siya ng kanyang panginoon sa lahat ng ari-arian nito. Ngunit kung sasabihin ng aliping iyon sa kanyang sarili, ‘Matatagalan pa ang pag-uwi ng aking panginoon,’ bubugbugin niya ang mga kapwa niya aliping lalaki at babae, at siya'y kakain, iinom at maglalasing, darating ang kanyang panginoon sa araw na hindi niya inaasahan at sa oras na hindi niya alam. Buong lupit siyang paparusahan ng kanyang panginoon, at isasama sa mga suwail. “Ang aliping nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon ngunit nagpapabaya, o ayaw tumupad sa ipinapagawa nito ay paparusahan nang mabigat. Ngunit ang aliping hindi nakakaalam ng kalooban ng kanyang panginoon, magkulang man siya sa kanyang tungkulin, ay paparusahan lamang nang magaan. Ang binigyan ng maraming bagay ay hahanapan ng marami; at ang pinagkatiwalaan ng lalong maraming bagay ay pananagutin ng lalong marami.” “Naparito ako upang magdala ng apoy sa lupa at sana'y nagliliyab na ito! May isang bautismo na dapat kong danasin, at ako'y nababagabag hangga't hindi ito nagaganap. Akala ba ninyo'y naparito ako upang magdala ng kapayapaan sa lupa? Sinasabi ko sa inyo, hindi kapayapaan ang dala ko kundi pagkabaha-bahagi. Mula ngayon, ang lima sa isang sambahayan ay mahahati, tatlo laban sa dalawa at dalawa laban sa tatlo. Ang ama laban sa anak na lalaki, at ang anak na lalaki laban sa ama; ang ina laban sa anak na babae, at ang anak na babae laban sa ina; ang biyenang babae laban sa manugang na babae, at ang manugang na babae laban sa biyenang babae.” Sinabi rin ni Jesus sa mga tao, “Kapag nakita ninyong kumakapal ang ulap sa kanluran, sinasabi ninyo agad na uulan, at ganoon nga ang nangyayari. At kung umiihip ang hangin mula sa katimugan ay sinasabi ninyong iinit, at nagkakaganoon nga. Mga mapagkunwari! Marunong kayong umunawa ng palatandaan sa lupa at sa langit, bakit hindi ninyo nauunawaan ang mga tanda ng kasalukuyang panahon?” “Bakit hindi ninyo mapagpasyahan kung ano ang tamang gawin? Kapag ikaw ay isinakdal, sikapin mong makipagkasundo ka sa nagsakdal sa iyo bago dumating sa hukuman; baka kaladkarin ka niya sa hukom, at ibigay ka ng hukom sa tanod, at ibilanggo ka naman nito. Sinasabi ko sa iyo, hindi ka makakalabas doon hangga't hindi mo nababayaran ang kahuli-hulihang sentimo.” Dumating noon ang ilang tao at ibinalita kay Jesus na ipinapatay ni Pilato ang ilang mga taga-Galilea habang ang mga ito'y naghahandog sa Diyos. Sinabi niya sa kanila, “Akala ba ninyo, dahil sa sinapit nilang iyon, higit silang masama kaysa sa ibang mga taga-Galilea? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong tulad nila. At ang labingwalong namatay nang mabagsakan ng tore sa Siloe, sa akala ba ninyo'y higit silang makasalanan kaysa sa ibang naninirahan sa Jerusalem? Hindi! Ngunit sinasabi ko sa inyo, malibang magsisi kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan, mapapahamak din kayong tulad nila.” Sinabi pa sa kanila ni Jesus ang talinghagang ito. “May isang taong may tanim na puno ng igos sa kanyang ubasan. Minsan, tiningnan niya kung may bunga ang puno, ngunit wala siyang nakita. Dahil dito, sinabi niya sa tagapag-alaga ng ubasan, ‘Tatlong taon na akong pumaparito at naghahanap ng bunga sa punong ito, ngunit wala akong makita. Putulin mo na't nakakasikip lang iyan!’ Ngunit sumagot ang tagapag-alaga, ‘Huwag po muna nating putulin ngayon. Huhukayan ko po ang palibot at lalagyan ng pataba, baka sakaling mamunga na sa susunod na taon. Kung hindi pa, saka po ninyo ipaputol.’” Isang Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay nagtuturo sa isang sinagoga. May isang babae roon na labingwalong taon nang may karamdamang sanhi ng isang masamang espiritu. Siya'y nakukuba at hindi na makaunat. Nang siya'y makita ni Jesus, tinawag siya at sinabi, “Malaya ka na sa iyong karamdaman.” Ipinatong ni Jesus ang kanyang mga kamay sa babae, at noon di'y nakatayo siya nang tuwid at nagpuri sa Diyos. Ngunit nagalit ang tagapamahala ng sinagoga sapagkat nagpagaling si Jesus sa Araw ng Pamamahinga. Kaya't sinabi ng tagapamahala sa mga tao, “May anim na araw na inilaan upang kayo'y magtrabaho. Sa mga araw na iyon kayo pumarito upang pagalingin at huwag sa Araw ng Pamamahinga.” Sinagot siya ng Panginoon, “Mga mapagkunwari! Hindi ba't kinakalag ninyo sa sabsaban ang inyong baka o asno at dinadala sa painuman kahit sa Araw ng Pamamahinga? Ang anak na ito ni Abraham ay ginapos ni Satanas sa loob ng labingwalong taon. Hindi ba dapat siyang kalagan kahit na sa Araw ng Pamamahinga?” Napahiya ang lahat ng kumakalaban kay Jesus dahil sa isinagot niya. Natuwa naman ang mga tao dahil sa lahat ng mga kahanga-hangang bagay na ginawa niya. Sinabi ni Jesus, “Ano ang katulad ng kaharian ng Diyos? Saan ko ito maihahambing? Ang katulad nito'y isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang halamanan. Ito'y lumaki hanggang sa maging isang punongkahoy, at ang mga ibon ay nagpugad sa mga sanga nito.” Sinabi pa ni Jesus, “Saan ko ihahambing ang kaharian ng Diyos? Ito ay katulad ng pampaalsa na inihalo ng isang babae sa tatlong takal na harina, kaya't umalsa ang buong masa.” Habang nagpapatuloy si Jesus papuntang Jerusalem, siya'y nagtuturo sa bawat bayan at nayon na kanyang dinaraanan. Minsan may nagtanong sa kanya, “Ginoo, kakaunti po ba ang maliligtas?” Sinabi niya sa kanila, “Pagsikapan ninyong makapasok sa makipot na pintuan. Sinasabi ko sa inyo, marami ang magpupumilit pumasok ngunit hindi makakapasok. Kapag tumayo na ang pinuno ng sambahayan at isinara na ang pinto, magtitiis kayong nakatayo sa labas at katok nang katok. Sasabihin ninyo, ‘Panginoon, papasukin po ninyo kami.’ Ngunit sasabihin niya sa inyo, ‘Hindi ko kayo kilala!’ Sasabihin naman ninyo, ‘Kumain po kami at uminom na kasalo ninyo, at nagturo pa kayo sa aming mga lansangan.’ Sasagot naman siya, ‘Hindi ko kayo kilala! Lumayo kayo sa akin, kayong lahat na gumagawa ng kasamaan!’ Iiyak kayo at magngangalit ang mga ngipin kapag nakita ninyong nasa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac at Jacob, at ang lahat ng propeta, habang kayo nama'y ipinagtatabuyan! Darating ang mga tao buhat sa silangan at sa kanluran, sa hilaga at sa timog, at kakain sa handaan sa kaharian ng Diyos. Tunay ngang may nahuhuling mauuna, at may nauunang mahuhuli.” Dumating noon ang ilang Pariseo at sinabi nila kay Jesus, “Umalis na kayo rito dahil gusto kayong ipapatay ni Herodes.” Subalit sumagot siya, “Sabihin ninyo sa asong-gubat na iyon na nagpapalayas pa ako ngayon ng mga demonyo at nagpapagaling ng mga maysakit. Gayundin ang gagawin ko bukas, at sa ikatlong araw ay tatapusin ko ang aking gawain. Ngunit dapat akong magpatuloy sa aking lakad ngayon, bukas, at sa makalawa, sapagkat hindi dapat mamatay sa labas ng Jerusalem ang isang propeta. “Jerusalem, Jerusalem! Pinapatay mo ang mga propeta at binabato ang mga isinusugo sa iyo! Ilang beses kong sinikap na kupkupin ang iyong mga anak, gaya ng pag-aaruga ng isang inahin sa kanyang mga sisiw, ngunit ayaw mo. Kaya't pababayaan nang lubusan ang iyong Templo. Sinasabi ko sa iyo, hindi mo na ako makikita hanggang sa dumating ang oras na sasabihin mo, ‘Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!’” Isang Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay inanyayahang kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo, at binabantayan nilang mabuti ang kanyang mga kilos. Lumapit kay Jesus ang isang lalaking may manas. Kaya't tinanong niya ang mga Pariseo at ang mga dalubhasa sa Kautusan, “Naaayon ba sa Kautusan ang magpagaling sa Araw ng Pamamahinga o hindi?” Ngunit hindi sila umimik, kaya't hinawakan ni Jesus ang maysakit, pinagaling ito at saka pinauwi. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Kung ang inyong anak o ang inyong baka ang mahulog sa balon, hindi ba't iaahon ninyo ito kaagad kahit Araw ng Pamamahinga?” Hindi sila nakasagot sa tanong na ito. Napansin ni Jesus na pinipili ng ilang mga panauhin ang mga upuang pandangal. Kaya't sinabi niya ang talinghagang ito sa kanila. “Kapag inanyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang uupo agad sa upuang pandangal. Baka may inanyayahang mas kilala kaysa sa iyo. Baka lapitan ka ng nag-anyaya sa inyong dalawa at sabihin sa iyo, ‘Maaari bang ibigay mo ang upuang iyan sa taong ito?’ Sa gayon, mapapahiya ka at doon ka uupo sa pinakaabang upuan. Mabuti pa, kapag naanyayahan ka, doon ka muna maupo sa pinakaabang upuan. Kapag lumapit sa iyo ang nag-anyaya at kanyang sinabi, ‘Kaibigan, dito ka sa kabisera,’ mapaparangalan ka sa harap ng lahat ng mga panauhin. Sapagkat ang nagmamataas ay ibababa, at ang nagpapakumbaba ay itataas.” Sinabi naman ni Jesus sa nag-anyaya sa kanya, “Kapag naghahanda ka ng isang salu-salo, huwag ang iyong mga kaibigan, mga kapatid, mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang aanyayahan mo, dahil aanyayahan ka rin nila at sa gayon ay susuklian ang iyong ginawa. Subalit kapag ikaw ay maghahanda, anyayahan mo ang mga mahihirap, mga lumpo, mga pilay, at mga bulag. Kapag ganito ang ginawa mo, pagpapalain ka, dahil hindi man nila masuklian ang ginawa mo, ang Diyos ang magbibigay sa iyo ng gantimpala sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.” Narinig ito ng isa sa mga kasalo niya roon, at sinabi sa kanya, “Pinagpala ang makakasalo sa hapag sa kaharian ng Diyos!” Sumagot si Jesus, “Isang lalaki ang naghanda ng isang malaking salu-salo, at marami siyang inanyayahan. Nang dumating ang oras ng handaan, inutusan niya ang kanyang alipin at ipinasabi sa mga inanyayahan, ‘Halina kayo, handa na ang lahat!’ Ngunit nagdahilan silang lahat. Ang sabi ng una, ‘Nakabili ako ng bukid at kailangan ko itong puntahan. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.’ Sinabi naman ng isa, ‘Nakabili ako ng limang magkapares na baka at kailangang masubukan ko sa bukid ang mga iyon. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.’ Sinabi naman ng isa, ‘Ako'y bagong kasal, kaya't hindi ako makakadalo.’ “Bumalik ang alipin at ibinalita ito sa kanyang panginoon. Nagalit ang panginoon at sinabi sa alipin, ‘Pumunta ka kaagad sa mga lansangan at sa makikipot na daan ng lungsod at isama mo rito ang mga mahihirap, mga lumpo, mga bulag, at mga pilay.’ Pagkatapos sinabi ng alipin, ‘Panginoon, nagawa ko na po ang iniutos ninyo, ngunit marami pang bakanteng upuan.’ Kaya't sinabi ng panginoon sa alipin, ‘Pumunta ka sa mga lansangan at sa mga daan, at pilitin mong pumarito ang sinumang makita mo upang mapuno ang aking bahay. Sinasabi ko sa inyo, isa man sa mga unang inanyayahan ay hindi makakatikim ng aking handa!’” Sumama kay Jesus ang napakaraming tao; humarap siya sa kanila at kanyang sinabi, “Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang umiibig sa kanyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid, at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin. Ang hindi magpasan ng sarili niyang krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging alagad ko. “Kung ang isa sa inyo'y nagbabalak na magtayo ng tore, hindi ba siya uupo muna upang magplano at kuwentahin kung magkano ang magagastos niya upang matiyak kung may sapat siyang pera para maipatapos ang kanyang ipapatayo? Baka matapos mailagay ang mga pundasyon ay hindi naman mayari ang tore. Siya'y kukutyain lamang ng lahat ng makakakita niyon. Sasabihin nila, ‘Ang taong ito'y nagsimulang magtayo ngunit hindi naman naipatapos.’ “O sinong hari na makikipagdigma sa kapwa hari ang hindi muna mauupo upang pag-aralang mabuti kung kaya niya, gamit ang sampung libo niyang kawal, na sumagupa sa kalaban na may dalawampung libong kawal? At kung hindi niya kaya, malayo pa ang kalaban ay magsusugo na siya ng mga kinatawan upang makipagkasundo. Gayundin naman, hindi maaaring maging alagad ko ang sinuman kung hindi niya tatalikuran ang lahat sa kanyang buhay. “Mabuti ang asin, ngunit kung ang asin ay mawalan na ng alat, paano pa ito mapapaalat muli? Wala itong kabutihang maibibigay sa lupa, o kahit sa tambakan man ng dumi, kaya't ito'y itinatapon na lamang. Makinig ang may pandinig!” Isang araw, ang mga maniningil ng buwis at ang mga makasalanan ay lumapit kay Jesus upang makinig. Nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at mga tagapagturo ng Kautusan. Sabi nila, “Ang taong ito'y nakikisama at nakikisalo sa mga makasalanan.” Dahil dito, sinabi sa kanila ni Jesus ang talinghagang ito. “Kung ang sinuman sa inyo ay may isandaang tupa at mawalan ng isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't iiwan niya ang siyamnapu't siyam sa pastulan at hahanapin ang nawawala hanggang sa ito'y matagpuan? Kapag nakita na niya ang tupa ay masaya niya itong papasanin. Pagdating sa bahay, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin dahil nakita ko na ang tupa kong nawawala!’ Sinasabi ko sa inyo, magkakaroon ng higit na kagalakan sa langit dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan kaysa sa siyamnapu't siyam na matuwid na di nangangailangang magsisi.” “O kaya, kung ang isang babae ay may sampung salaping pilak at mawala ang isa, ano ang gagawin niya? Hindi ba't magsisindi siya ng ilawan, wawalisan ang buong bahay at hahanaping mabuti ang nawawalang salapi hanggang sa ito'y kanyang makita? Kapag nakita na niya ito, aanyayahan niya ang kanyang mga kaibigan at mga kapitbahay at sasabihin sa kanila, ‘Makipagsaya kayo sa akin, sapagkat nakita ko na ang nawawala kong salaping pilak!’ Sinasabi ko sa inyo, gayundin ang kagalakan ng mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanang tumatalikod sa kasalanan.” Sinabi pa ni Jesus, “May isang tao na may dalawang anak na lalaki. Sinabi sa kanya ng bunso, ‘Ama, ibigay na po ninyo sa akin ang mamanahin ko.’ At hinati nga ng ama ang kanyang ari-arian. Pagkalipas ng ilang araw, ipinagbili ng bunso ang kanyang bahagi at nagpunta sa malayong lupain. Nilustay niya roon sa mga bisyo ang lahat niyang kayamanan. Nang maubos na ito, nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing iyon, kaya't siya'y nagsimulang maghirap. Namasukan siya sa isang tagaroon, at siya'y pinagtrabaho nito sa isang babuyan. Sa tindi ng kanyang gutom, at dahil sa wala namang nagbibigay sa kanya ng pagkain, halos kainin na niya ang mga pinagbalatan ng mga bungangkahoy na pinapakain sa mga baboy. Ngunit napag-isip-isip niya ang kanyang ginawa at nasabi niya sa sarili, ‘Labis-labis ang pagkain ng mga alila ng aking ama, samantalang ako'y namamatay dito sa gutom! Babalik ako sa aking ama at sasabihin ko sa kanya, “Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo; ibilang na lamang ninyo akong isa sa inyong mga alila.”’ At siya'y nagpasyang umuwi sa kanila. “Malayo pa'y natanaw na siya ng kanyang ama, at dahil sa matinding awa ay patakbo siyang sinalubong, niyakap, at hinalikan. Sinabi ng anak, ‘Ama, nagkasala po ako sa Diyos at sa inyo. Hindi na po ako karapat-dapat na tawaging anak ninyo.’ Ngunit tinawag ng ama ang kanyang mga alila, ‘Dali! Kunin ninyo ang pinakamagandang damit at bihisan ninyo siya! Suotan ninyo siya ng singsing at ng sandalyas. Katayin ninyo ang pinatabang guya at tayo'y kumain at magdiwang. Sapagkat ang anak kong ito ay namatay na, ngunit siya ay nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.’ At sila nga'y nagdiwang. “Nasa bukid noon ang anak na panganay. Nang umuwi siya at malapit na sa bahay, narinig niya ang tugtugan at sayawan. Tinawag niya ang isang utusan at tinanong, ‘Bakit? Ano'ng mayroon sa atin?’ ‘Dumating po ang inyong kapatid!’ sagot ng alila. ‘Ipinapatay po ng inyong ama ang pinatabang guya dahil ang inyong kapatid ay nakabalik nang buháy at walang sakit.’ Nagalit ang panganay at ayaw niyang pumasok sa bahay. Pinuntahan siya ng kanyang ama at pinakiusapan. Ngunit sumagot siya, ‘Pinaglingkuran ko kayo sa loob ng maraming taon at kailanma'y hindi ko kayo sinuway. Ngunit ni minsa'y hindi ninyo ako binigyan ng kahit isang maliit na kambing para magkasayahan kami ng aking mga kaibigan. Subalit nang dumating ang anak ninyong ito, na lumustay ng inyong kayamanan sa masasamang babae, ipinagpatay pa ninyo siya ng pinatabang guya!’ Sumagot ang ama, ‘Anak, lagi kitang kapiling at ang lahat ng aking ari-arian ay sa iyo. Nararapat lang na tayo'y magsaya at magdiwang, sapagkat namatay na ang kapatid mo, ngunit nabuhay; nawala, ngunit muling natagpuan.’” Sinabi rin ni Jesus sa kanyang mga alagad, “May taong mayaman na may isang katiwala. May nagsumbong sa kanyang nilulustay nito ang kanyang ari-arian. Kaya't ipinatawag niya ang katiwala at tinanong, ‘Ano ba itong naririnig ko tungkol sa iyo? Ibigay mo sa akin ang ulat ng iyong pangangasiwa sapagkat tatanggalin na kita sa iyong tungkulin.’ Sinabi ng katiwala sa kanyang sarili, ‘Ano ang gagawin ko? Aalisin na ako ng aking amo sa pangangasiwa. Hindi ko kayang magbungkal ng lupa; nahihiya naman akong magpalimos. Alam ko na ang aking gagawin! Maalis man ako sa pangangasiwa ay may tatanggap naman sa akin sa kanilang tahanan.’ Kaya't isa-isa niyang tinawag ang mga may utang sa kanyang amo. Tinanong niya ang una, ‘Magkano ang utang mo sa aking amo?’ Sumagot ito, ‘Isandaang tapayang langis po.’ Kaya sabi ng katiwala, ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang. Dali! Maupo ka't palitan mo, gawin mong limampu.’ At tinanong naman niya ang isa, ‘Ikaw, gaano ang utang mo?’ Sumagot ito, ‘Isandaang kabang trigo po.’ ‘Heto ang kasulatan ng iyong pagkakautang,’ sabi niya. ‘Isulat mo, walumpu.’ Pinuri ng amo ang madayang katiwala dahil sa katusuhang ipinamalas nito. Sapagkat ang mga makasanlibutan ay mas tuso kaysa mga maka-Diyos sa paggamit ng mga bagay ng mundong ito.” At nagpatuloy si Jesus sa pagsasalita, “Kaya't sinasabi ko sa inyo, gamitin ninyo ang kayamanan ng mundong ito sa paggawa ng mabuti sa inyong mga kapwa upang kung maubos na iyon ay tanggapin naman kayo sa tahanang walang hanggan. Ang mapagkakatiwalaan sa maliit na bagay ay mapagkakatiwalaan din sa malaking bagay; ang mandaraya sa maliit na bagay ay mandaraya rin sa malaking bagay. Kaya kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa mga kayamanan ng mundong ito, sino ang magtitiwala sa inyo ng tunay na kayamanan? At kung hindi kayo mapagkakatiwalaan sa kayamanan ng iba, sino ang magbibigay sa inyo ng talagang para sa inyo? “Walang aliping maaaring maglingkod sa dalawang panginoon sapagkat kamumuhian niya ang isa at iibigin ang ikalawa, paglilingkuran nang tapat ang isa at hahamakin ang ikalawa. Hindi kayo maaaring maglingkod sa Diyos at sa kayamanan.” Nang marinig ito ng mga Pariseo, na mga sakim sa salapi, ay kinutya nila si Jesus. Kaya't sinabi niya sa kanila, “Kayo ang nagpapanggap na matuwid sa harapan ng mga tao, ngunit alam ng Diyos ang nilalaman ng inyong mga puso. Sapagkat ang itinuturing na mahalaga ng mga tao ay kasuklam-suklam sa paningin ng Diyos. “Ang Kautusan ni Moises at ang sinulat ng mga propeta ay may bisa hanggang sa pagdating ni Juan na Tagapagbautismo. Buhat noon ay ipinapangaral na ang Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos, at ang lahat ay nagpupumilit na makapasok dito. Mas madali pang maglaho ang langit at ang lupa kaysa mawalan ng bisa ang kahit isang tuldok ng Kautusan. “Kapag hiniwalayan ng isang lalaki ang kanyang asawa, at mag-asawa sa iba, siya ay nagkakasala ng pangangalunya, at ang mag-aasawa naman sa babaing hiniwalayan ay nagkakasala rin ng pangangalunya.” “May isang mayamang laging nakasuot ng mamahaling damit at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. May isa namang pulubing nagngangalang Lazaro na tadtad ng sugat sa katawan at nakahiga sa may pintuan ng mayaman sa hangad na matapunan man lamang ng mga mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo'y nilalapitan siya ng mga aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat. Namatay ang pulubi at siya'y dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin ang mayaman at inilibing. Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa daigdig ng mga patay, natanaw ng mayaman si Lazaro sa piling ni Abraham. Kaya't sumigaw siya, ‘Amang Abraham, maawa po kayo sa akin. Utusan po ninyo si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at basain ang aking dila, dahil ako'y naghihirap sa apoy na ito.’ Ngunit sumagot si Abraham, ‘Anak, alalahanin mong nagpasasa ka sa buhay noong ikaw ay nasa lupa, at si Lazaro naman ay nagtiis ng kahirapan. Subalit ngayon ay inaaliw siya rito samantalang ikaw nama'y nagdurusa riyan. Bukod dito, may malaking bangin sa pagitan natin, kaya't ang mga naririto ay hindi makakapunta diyan at ang mga naririyan ay hindi makakapunta rito.’ “Ngunit sinabi ng mayaman, ‘Kung gayon po, Amang Abraham, ipinapakiusap kong papuntahin na lamang ninyo si Lazaro sa bahay ng aking ama, sa aking limang kapatid na lalaki. Suguin po ninyo siya upang sila'y bigyang-babala at nang hindi sila humantong sa dakong ito ng pagdurusa.’ Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Nasa kanila ang mga kasulatan ni Moises at ng mga propeta; iyon ang kanilang pakinggan.’ Sumagot ang mayaman, ‘Hindi po sapat ang mga iyon. Ngunit kung magpapakita sa kanila ang isang patay na muling nabuhay, magsisisi sila't tatalikuran ang kanilang mga kasalanan.’ Sinabi naman sa kanya ni Abraham, ‘Kung ayaw nilang pakinggan ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay na muling nabuhay.’” Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Tiyak na darating ang mga sanhi ng pagkakasala; ngunit kakila-kilabot ang sasapitin ng taong panggagalingan niyon! Mabuti pa sa kanya ang bitinan sa leeg ng isang gilingang-bato at itapon sa dagat, kaysa maging sanhi ng pagkakasala ng sinuman sa mga maliliit na ito. Kaya't mag-ingat kayo! “Kung magkasala sa iyo ang kapatid mo, pagsabihan mo; at kung siya'y magsisi, patawarin mo. Kung pitong ulit siyang magkasala sa iyo sa maghapon, at pitong ulit ding lumapit sa iyo at sabihin niyang, ‘Nagsisisi ako,’ dapat mo siyang patawarin.” Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan po ninyo ang aming pananampalataya!” Tumugon ang Panginoon, “Kung ang inyong pananampalataya ay sinlaki ng butil ng mustasa, masasabi ninyo sa punong ito ng sikamoro, ‘Mabunot ka at matanim sa dagat!’ at susundin kayo nito.” “Kapag nanggaling ang inyong alipin sa pag-aararo o pagpapastol ng mga tupa sa bukid, inaanyayahan ba ninyo siya agad upang kumain? Hindi ba't ang sasabihin ninyo ay, ‘Ipaghanda mo ako ng hapunan, magbihis ka, at pagsilbihan mo ako habang ako'y kumakain. Pagkakain ko, saka ka kumain.’ Pinasasalamatan ba ng amo ang kanyang alipin dahil sinusunod siya nito? Ganoon din naman kayo; kapag nagawa na ninyo ang lahat ng iniuutos sa inyo, sabihin ninyo, ‘Kami'y mga aliping walang kabuluhan; tumutupad lamang kami sa aming tungkulin.’” Sa paglalakbay ni Jesus papuntang Jerusalem, nagdaan siya sa hangganan ng Samaria at Galilea. Habang papasok na siya sa isang nayon, sinalubong siya ng sampung ketongin. Tumigil ang mga ito sa may kalayuan at sumigaw, “Jesus! Panginoon! Mahabag po kayo sa amin!” Pagkakita sa kanila ay sinabi ni Jesus, “Lumakad na kayo at magpatingin sa mga pari.” Habang sila'y naglalakad, silang lahat ay gumaling at luminis. Nang mapuna ng isa na siya'y magaling na, nagbalik siyang sumisigaw ng pagpupuri sa Diyos. Nagpatirapa siya sa paanan ni Jesus at nagpasalamat. Ang taong ito'y isang Samaritano. “Hindi ba't sampu ang pinagaling?” tanong ni Jesus. “Nasaan ang siyam? Wala bang nagbalik upang magpuri sa Diyos kundi ang dayuhang ito?” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tumayo ka na at umuwi. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Minsan, si Jesus ay tinanong ng mga Pariseo kung kailan darating ang kaharian ng Diyos. Sumagot siya, “Walang makikitang palatandaan ng pagdating ng kaharian ng Diyos, at wala ring magsasabing ‘Narito na!’ o ‘Naroon!’ Sapagkat ang kaharian ng Diyos ay nasa inyo.” At sinabi niya sa mga alagad, “Darating ang panahon na hahangarin ninyong makita ang isa sa mga araw ng Anak ng Tao, ngunit hindi ninyo ito makikita. May magsasabi sa inyo, ‘Naroon!’ o, ‘Narito!’ Huwag kayong pupunta at huwag kayong maniniwala sa kanila. Sapagkat [pagsapit ng takdang araw,] ang Anak ng Tao ay darating na parang kidlat na nagliliwanag sa buong kalangitan. Ngunit kailangan munang magdanas siya ng maraming hirap at itakwil ng salinlahing ito. Ang pagparito ng Anak ng Tao ay matutulad sa kapanahunan ni Noe. Ang mga tao noo'y nagsisikain, nagsisiinom at nagsisipag-asawa hanggang sa araw na sumakay si Noe sa barko. Dumating ang baha at namatay silang lahat. Gayundin ang nangyari noong panahon ni Lot. Ang mga tao'y nagsisikain, nagsisiinom, bumibili, nagtitinda, nagtatanim at nagtatayo ng bahay. Ngunit nang araw na umalis si Lot sa Sodoma, umulan ng apoy at asupre at natupok silang lahat. Ganoon din ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao. “Sa araw na iyon, ang nasa bubungan ay huwag nang bumabâ pa upang kunin ang kanyang mga kasangkapan sa loob ng bahay, at ang nasa bukid ay huwag nang umuwi pa. Alalahanin ninyo ang asawa ni Lot. Ang sinumang magsikap na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang sinumang mawalan ng kanyang buhay ay siyang makakapagligtas nito. Sinasabi ko sa inyo, sa gabing iyon, may dalawang taong nasa isang higaan; kukunin ang isa at iiwan ang isa. May dalawang babaing magkasamang nagtatrabaho sa gilingan; kukunin ang isa at iiwan ang isa. [ May dalawang lalaking nagtatrabaho sa bukid; kukunin ang isa at iiwan ang isa.]” “Saan po ito mangyayari, Panginoon?” tanong ng kanyang mga alagad. Sumagot siya, “Kung nasaan ang bangkay, doon nagkakatipon ang mga buwitre.” Isinalaysay ni Jesus ang isang talinghaga upang ituro sa kanila na dapat silang laging manalangin at huwag mawalan ng pag-asa. Sinabi niya, “Sa isang lungsod ay may isang hukom na walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao. Sa lungsod ding iyon ay may isang biyuda. Lagi siyang pumupunta sa hukom at sinasabi, ‘Bigyan po ninyo ako ng katarungan sa aking usapin.’ Tinanggihan siya ng hukom sa loob ng mahabang panahon, ngunit nang magtagal ay sinabi ng hukom sa sarili, ‘Kahit ako'y walang takot sa Diyos at walang iginagalang na tao, ibibigay ko na ang katarungang hinihingi ng biyudang ito, sapagkat lagi niya akong ginagambala at baka mainis pa ako sa kapupunta niya rito.’” At nagpatuloy ang Panginoon, “Pakinggan ninyo ang sabi ng masamang hukom na iyon. Ngayon, ipagkakait kaya ng Diyos ang katarungan sa kanyang mga hinirang na dumaraing sa kanya araw-gabi? Sila kaya'y paghihintayin niya nang matagal? Sinasabi ko sa inyo, agad niyang ibibigay sa kanila ang katarungan. Ngunit sa pagbabalik ng Anak ng Tao, may daratnan pa kaya siyang mga taong may pananampalataya?” Sinabi rin niya ang talinghagang ito sa mga taong matuwid ang tingin sa sarili at hinahamak naman ang iba. “May dalawang lalaking pumasok sa Templo upang manalangin, ang isa ay Pariseo at ang isa ay maniningil ng buwis. Tumayo ang Pariseo at nanalangin nang ganito: ‘O Diyos, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat hindi ako katulad ng iba na mga magnanakaw, mandaraya, mangangalunya, o kaya'y katulad ng maniningil ng buwis na ito. Dalawang beses akong nag-aayuno sa isang linggo at nagbibigay rin ako ng ikasampung bahagi mula sa lahat ng aking kinikita.’ Samantala, ang maniningil ng buwis nama'y nakatayo sa malayo at di man lamang makatingin sa langit. Dinadagukan niya ang kanyang dibdib at sinasabi, ‘O Diyos, mahabag po kayo sa akin na isang makasalanan!’ Sinasabi ko sa inyo, ang lalaking ito'y umuwing matuwid sa harapan ng Diyos, at hindi ang Pariseo. Sapagkat ang sinumang nagmamataas ay ibababa at ang nagpapakababa ay itataas.” Inilalapit ng mga tao kay Jesus pati ang kanilang mga sanggol upang ipatong niya sa mga ito ang kanyang mga kamay. Nang ito'y makita ng mga alagad, sinaway nila ang mga tao. Ngunit tinawag ni Jesus ang mga bata at sinabi, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat para sa mga katulad nila ang kaharian ng Diyos. Tandaan ninyo: ang sinumang hindi tumatanggap sa kaharian ng Diyos gaya ng pagtanggap ng isang bata ay hindi makakapasok doon.” May isang pinuno ng bayan na nagtanong kay Jesus, “Mabuting Guro, ano po ba ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?” Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Ang Diyos lamang ang mabuti! Alam mo ang mga utos, ‘Huwag kang mangangalunya; huwag kang papatay; huwag kang magnanakaw; huwag kang tatayong saksi para sa kasinungalingan; at igalang mo ang iyong ama at ina.’” Sinabi ng lalaki, “Ang lahat pong iyan ay tinupad ko na mula pa sa pagkabata.” Pagkarinig nito ay sinabi ni Jesus, “Isang bagay pa ang kulang sa iyo. Ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi ang pinagbilhan sa mga dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos ay bumalik ka, at sumunod ka sa akin.” Nalungkot ang lalaki nang marinig iyon, sapagkat siya'y napakayaman. Nakita ni Jesus na nalulungkot ang lalaki kaya't sinabi niya, “Napakahirap para sa mga mayayaman ang makapasok sa kaharian ng Diyos! Mas madali pang makaraan sa butas ng karayom ang isang kamelyo kaysa makapasok sa kaharian ng Diyos ang isang mayaman.” Nagtanong ang mga taong nakarinig nito, “Kung gayon, sino ang maliligtas?” “Ang mga bagay na hindi kayang gawin ng tao ay kayang gawin ng Diyos,” tugon ni Jesus. Sinabi naman ni Pedro, “Tingnan po ninyo, iniwan na namin ang aming mga tahanan at sumunod sa inyo.” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Tandaan ninyo: kapag iniwan ninuman ang kanyang tahanan, asawa, mga kapatid, mga magulang, o mga anak alang-alang sa kaharian ng Diyos, tatanggap siya ng higit pa sa panahong ito. At sa panahong darating, tatanggap siya ng buhay na walang hanggan.” Ibinukod ni Jesus ang Labindalawa at sinabi sa kanila, “Pupunta tayo sa Jerusalem at doo'y matutupad ang lahat ng isinulat ng mga propeta tungkol sa Anak ng Tao. Siya'y ibibigay sa kamay ng mga Hentil; kukutyain, hahamakin, at duduraan. Siya'y hahagupitin at papatayin, ngunit sa ikatlong araw ay muli siyang mabubuhay.” Subalit ang Labindalawa ay walang naunawaan sa kanilang narinig; inilihim sa kanila ang kahulugan niyon, at hindi nila nalalaman ang sinasabi ni Jesus. Nang malapit na si Jesus sa Jerico, may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan at namamalimos. Nang marinig niyang nagdaraan ang maraming tao, itinanong niya kung ano ang nangyayari. “Nagdaraan si Jesus na taga-Nazaret,” sabi nila sa kanya. At siya'y sumigaw, “Jesus, Anak ni David! Mahabag po kayo sa akin!” Sinaway siya ng mga taong nasa unahan, ngunit lalo pa niyang nilakasan ang pagsigaw, “Anak ni David, mahabag po kayo sa akin!” Tumigil si Jesus at ipinatawag ang bulag. Paglapit ng bulag ay tinanong siya ni Jesus, “Ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo?” “Panginoon, gusto ko po sanang makakitang muli,” sagot niya. At sinabi ni Jesus, “Makakita ka! Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Noon di'y nakakita ang bulag at nagpupuri sa Diyos na sumunod kay Jesus. Nang makita ito ng mga tao, silang lahat ay nagpuri sa Diyos. Pumasok si Jesus sa Jerico at naglakad sa kabayanan. May isang tao roong ang pangalan ay Zaqueo, isang pinuno ng mga maniningil ng buwis at siya'y mayaman. Sinikap niyang makita si Jesus upang makilala kung sino ito, ngunit sa dami ng tao, hindi niya ito makita dahil siya'y pandak. Kaya't patakbo siyang nauna sa dadaanan ni Jesus at umakyat sa isang puno ng sikamoro. Pagtapat ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya kay Zaqueo at sinabi, “Zaqueo, bumabâ ka agad sapagkat kailangan kong tumuloy ngayon sa iyong bahay.” Nagmamadaling bumabâ si Zaqueo, at tuwang-tuwang tinanggap si Jesus sa kanyang bahay. Lahat ng nakakita nito ay nagbulung-bulungan. “Nakikituloy siya sa isang makasalanan,” sabi nila. Tumayo si Zaqueo at sinabi niya kay Jesus, “Panginoon, ipamimigay ko po sa mga mahihirap ang kalahati ng aking mga kayamanan. At kung ako'y may nadayang sinuman, isasauli ko ito sa kanya ng maka-apat na beses.” At sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang kaligtasan ay dumating ngayon sa sambahayang ito sapagkat anak din ni Abraham ang taong ito. Ang Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naligaw.” Habang ang mga tao ay nakikinig, nagpatuloy si Jesus sa pagsasalita at isinalaysay niya sa kanila ang isang talinghaga. Si Jesus ay malapit na noon sa Jerusalem at inakala ng mga tao na darating na agad ang kaharian ng Diyos. Kaya't sinabi niya, “May isang maharlikang pumunta sa malayong lupain upang siya'y gawing hari, at pagkatapos nito, siya ay babalik. Subalit bago siya umalis, tinawag niya ang sampu sa kanyang mga alipin at binigyan ang mga ito ng tig-iisang gintong salapi. Sinabi niya sa kanila, ‘Ipangalakal ninyo iyan hanggang sa aking pagbabalik.’ Ngunit galit sa kanya ang kanyang mga nasasakupan, kaya't nagsugo sila ng kinatawan upang sabihin sa kinauukulan, ‘Ayaw naming maghari sa amin ang taong iyon.’ Gayunpaman ay ginawa rin siyang hari. “Nang makabalik na siya at nagsimulang maghari, ipinatawag niya ang mga aliping binigyan ng gintong salapi, upang malaman kung magkano ang tinubo ng bawat isa. Lumapit sa kanya ang una at ganito ang sinabi, ‘Panginoon, ang isang gintong salaping ibinigay ninyo ay tumubo ng sampu.’ ‘Magaling,’ sagot niya. ‘Mabuting alipin! Dahil naging tapat ka sa kakaunting ipinagkatiwala sa iyo, pamamahalain kita sa sampung lungsod.’ Lumapit naman ang ikalawa at ang sabi, ‘Panginoon, ang gintong salaping iniwan ninyo sa akin ay tumubo ng lima.’ At sinabi niya sa alipin, ‘Mamamahala ka sa limang lungsod.’ Lumapit ang isa pang alipin at ganito naman ang sinabi, ‘Panginoon, narito po ang inyong gintong salapi. Binalot ko po ito sa panyo at itinago. Natatakot po ako sa inyo dahil kayo'y napakahigpit; kinukuha ninyo ang hindi sa inyo at inaani ang hindi ninyo itinanim.’ Sinagot siya ng hari, ‘Masamang alipin! Sa salita mong iyan ay hahatulan kita. Alam mo palang ako'y mahigpit at sinasabi mo pang kinukuha ko ang hindi sa akin at inaani ko ang hindi ko itinanim. Bakit hindi mo na lamang idineposito sa bangko ang aking salapi? May tinubo sana iyan bago ako dumating.’ At sinabi niya sa mga naroon, ‘Kunin ninyo sa kanya ang gintong salapi at ibigay sa may sampu.’ ‘Panginoon, siya po'y mayroon nang sampung gintong salapi,’ sabi nila. ‘Sinasabi ko sa inyo, ang mayroon ay bibigyan pa, ngunit ang wala, kahit ang kaunting nasa kanya ay kukunin pa. Tungkol naman sa mga kaaway kong ayaw na ako'y maghari sa kanila, dalhin ninyo sila rito at patayin sa harap ko!’” Pagkasabi nito, nauna si Jesus papuntang Jerusalem. Nang malapit na siya sa Bethfage at Bethania, sa Bundok ng mga Olibo, isinugo niya ang dalawa sa kanyang mga alagad. Sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Sa pagpasok doo'y matatagpuan ninyo ang isang batang asno na nakatali; hindi pa iyon nasasakyan ninuman. Kalagan ninyo at dalhin dito. Kapag may nagtanong kung bakit ninyo iyon kinakalagan, sabihin ninyong kailangan iyon ng Panginoon.” Lumakad nga ang mga inutusan at natagpuan nila ang asno, ayon sa sinabi ni Jesus. Habang kinakalagan nila ang batang asno, tinanong sila ng mga may-ari, “Bakit ninyo kinakalagan iyan?” “Kailangan po ito ng Panginoon,” tugon nila. Dinala nila kay Jesus ang asno, at matapos isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal, siya'y pinasakay nila. Habang siya'y nakasakay sa asno, inilalatag naman ng mga tao ang kanilang mga balabal sa kanyang dinaraanan. Nang siya'y malapit na sa lungsod, palusong na sa libis ng Bundok ng mga Olibo, nagsigawan sa tuwa ang lahat ng alagad niya at malakas na nagpuri sa Diyos dahil sa mga kahanga-hangang pangyayaring kanilang nasaksihan. Sinabi nila, “Pinagpala ang haring dumarating sa pangalan ng Panginoon! Kapayapaan sa langit! Papuri sa Kataas-taasan!” Sinabi naman sa kanya ng ilang Pariseong kasama ng karamihan, “Guro, patigilin ninyo ang inyong mga alagad.” Sumagot siya, “Sinasabi ko sa inyo, kapag tumahimik sila, ang mga bato na ang sisigaw.” Nang malapit na siya sa Jerusalem at natatanaw na niya ang lungsod, ito'y kanyang tinangisan. Sinabi niya, “Kung nalalaman mo lamang sa araw na ito kung ano ang makakapagdulot sa iyo ng kapayapaan! Ngunit ito'y lingid ngayon sa iyong paningin. Darating ang mga araw na magkakampo sa paligid mo ang iyong mga kaaway, palilibutan ka nila at gigipitin sa kabi-kabila. Wawasakin ka nila at lilipulin ang lahat ng iyong mamamayan. Wala silang iiwanang magkapatong na bato sapagkat hindi mo pinansin ang pagdalaw sa iyo ng Diyos.” Pumasok si Jesus sa Templo at sinimulang ipagtabuyan ang mga nagtitinda roon. Sinabi niya sa kanila, “Nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-dalanginan.’ Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw.” Araw-araw, si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo. Pinagsikapan siyang ipapatay ng mga punong pari, mga tagapagturo ng Kautusan at mga pinuno ng bayan. Subalit wala silang makitang paraan upang maisagawa ito dahil taimtim na nakikinig sa kanya ang buong bayan. Isang araw, habang si Jesus ay nagtuturo sa loob ng Templo at nangangaral ng Magandang Balita, nilapitan siya ng mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan, kasama ang mga pinuno ng bayan. Sinabi nila sa kanya, “Sabihin mo nga sa amin kung ano ang karapatan mong gumawa ng mga bagay na ito? Sino ang nagbigay sa iyo ng ganyang karapatan?” Sumagot si Jesus, “Tatanungin ko muna kayo. Sabihin ninyo sa akin kung kanino galing ang karapatan ni Juan na magbautismo, sa Diyos ba o sa tao?” Kaya't nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating sa Diyos, sasabihin naman niya sa atin, ‘Bakit hindi kayo naniwala sa kanya?’ Subalit kung sasabihin naman nating mula sa tao, babatuhin tayo ng mga tao dahil naniniwala silang propeta si Juan.” Kaya't ang sagot na lamang nila'y, “Hindi namin alam!” Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung gayon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagbigay sa akin ng karapatan upang gawin ang mga ito.” Pagkatapos, isinalaysay ni Jesus sa mga tao ang talinghagang ito. “May isang taong nagtanim ng ubas sa kanyang bukid. Pinaupahan niya iyon sa mga magsasaka at siya'y nangibang-bayan sa loob ng mahabang panahon. Nang dumating ang panahon ng pitasan ng ubas, pinapunta niya sa mga magsasaka ang isa niyang alipin upang kunin ang kanyang bahagi. Ngunit binugbog ng mga magsasaka ang alipin at pinauwing walang dala. Nagsugo siyang muli ng isa pang alipin at ito rin ay binugbog, hinamak at pinauwing walang dala. Nagsugo pa siya ng ikatlo, subalit sinugatan din ito at ipinagtabuyan. Napag-isip-isip ng may-ari ng ubasan, ‘Ano kaya ang mabuti kong gawin? Mabuti pa'y papuntahin ko ang minamahal kong anak. Tiyak na siya'y igagalang nila.’ Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, nag-usap-usap sila at sinabi, ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at nang mapasaatin ang kanyang mamanahin.’ Siya'y inihagis nila sa labas ng ubasan at pinatay. “Ano kaya ang gagawin sa kanila ng may-ari ng ubasan?” tanong ni Jesus. “Pupunta siya roon at papatayin ang mga magsasakang iyon, at ipapaupa niya sa iba ang ubasan.” Pagkarinig nito, sinabi ng mga tao, “Huwag nawa itong mangyari!” Tiningnan sila ni Jesus at tinanong, “Kung gayon, ano ang kahulugan ng nasusulat na ito, ‘Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong-panulukan’? Ang bumagsak sa batong ito ay magkakadurug-durog at ang mabagsakan nito'y magkakaluray-luray.” Tinangka ng mga tagapagturo ng Kautusan at ng mga punong pari na dakpin si Jesus sa oras ding iyon sapagkat nahalata nilang sila ang tinutukoy niya sa talinghaga, ngunit natakot sila sa mga tao. Kaya't naghintay sila ng magandang pagkakataon. Sinuhulan nila ang ilang katao upang magkunwaring tapat na naghahanap ng katotohanan. Ginawa nila ito upang siluin si Jesus sa kanyang pananalita, at nang sa gayon ay mapasailalim siya sa karapatan at kapangyarihan ng gobernador. Sinabi ng mga espiya kay Jesus, “Guro, alam po naming totoo ang inyong sinasabi at itinuturo. Hindi kayo nagtatangi ng tao, kundi itinuturo ninyo nang buong katotohanan ang ibig ng Diyos na gawin ng tao. Dapat po ba tayong magbayad ng buwis sa Emperador, o hindi?” Alam ni Jesus ang kanilang masamang balak kaya't sinabi niya, “Iabot ninyo sa akin ang isang salaping pilak. Kanino ang larawan at ang pangalang nakaukit dito?” “Sa Emperador po,” tugon nila. Sinabi naman ni Jesus, “Kung gayon, ibigay ninyo sa Emperador ang para sa Emperador, at sa Diyos ang para sa Diyos.” Nabigo sa harap ng madla ang hangarin nilang masilo siya sa kanyang pananalita. At hindi sila nakaimik dahil sa pagkamangha sa kanyang sagot. Ilang Saduseo naman ang lumapit kay Jesus. Ang mga ito ay nagtuturong walang muling pagkabuhay ng mga patay. Sabi nila, “Guro, isinulat ni Moises para sa atin ang batas na ito, ‘Kung mamatay ang isang lalaki at maiwang walang anak ang kanyang asawa, ang kapatid ng lalaki'y dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.’ Mayroong pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. Nagpakasal sa biyuda ang pangalawa, subalit ito'y namatay ding walang anak. Ganoon din ang nangyari sa pangatlo hanggang sa pampito. At silang lahat ay namatay na walang anak. Sa kahuli-hulihan, namatay naman ang babae. Ngayon, sa muling pagkabuhay, sino sa pito ang kikilalaning asawa ng babae, yamang silang lahat ay napangasawa niya?” Sumagot si Jesus, “Sa buhay na ito, ang mga lalaki at mga babae ay nag-aasawa. Ngunit ang mga lalaki't babaing karapat-dapat na mapasama sa muling pagkabuhay ay hindi na mag-aasawa. Hindi na rin sila mamamatay sapagkat matutulad sila sa mga anghel. Sila'y mga anak ng Diyos dahil sila'y napabilang sa mga muling binuhay. Maging si Moises ay nagpapatunay na muling binubuhay ang mga patay. Sapagkat sa salaysay tungkol sa nagliliyab na mababang puno, ang Panginoon ay tinawag niyang ‘Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac at Diyos ni Jacob.’ Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay kundi ng mga buháy, sa kanya'y nabubuhay ang lahat.” Sinabi ng ilan sa mga tagapagturo ng Kautusan, “Guro, maganda ang sagot ninyo!” At mula noon ay wala nang naglakas-loob na magtanong sa kanya. Si Jesus naman ang nagtanong sa kanila, “Paano nasasabi ng mga tao na ang Cristo ay anak ni David? Si David na rin ang nagsabi sa Aklat ng mga Awit, ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, “Maupo ka sa kanan ko, hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”’ Ngayon, kung ‘Panginoon’ ang tawag ni David sa Cristo, bakit sinasabi ng mga tao na siya'y anak ni David?” Habang nakikinig ang lahat kay Jesus, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Mag-ingat kayo sa mga tagapagturo ng Kautusan na mahilig lumakad nang may mahahabang kasuotan at gustung-gustong batiin sa mga pamilihan. Mahilig silang umupo sa mga pangunahing upuan sa mga sinagoga at sa mga upuang pandangal sa mga handaan. Inuubos nila ang kabuhayan ng mga biyuda, at ginagamit ang kanilang mahahabang dasal bilang pakitang-tao. Dahil diyan, lalo pang bibigat ang parusa sa kanila.” Nang tumingin si Jesus sa paligid, nakita niya ang mayayaman na naglalagay ng mga handog sa Templo. Nakita rin niya ang isang dukhang biyuda na naghulog ng dalawang salaping tanso. Sinabi niya, “Ang inihandog ng dukhang biyudang iyon ay higit pa sa inihandog nilang lahat. Ang inilagay nila ay bahagi lamang ng kanilang kasaganaan, ngunit ang kanyang ibinigay ay ang buo niyang kabuhayan.” May ilang tao namang nag-uusap tungkol sa Templo. Pinag-uusapan nila ang naglalakihan at magagandang batong ginamit dito at ang mga palamuting inihandog ng mga tao. Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Darating ang panahon na ang lahat ng nakikita ninyong iyan ay iguguho, at walang matitirang magkakapatong na mga bato.” Tinanong nila si Jesus, “Guro, kailan po mangyayari iyon? At ano ang magiging palatandaang iyon ay magaganap na?” Sumagot si Jesus, “Mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ninuman! Marami ang darating sa aking pangalan at magsasabi, ‘Ako ang Cristo,’ at, ‘Dumating na ang panahon!’ Huwag kayong susunod sa kanila. Huwag kayong matatakot kung makabalita man kayo ng mga digmaan at mga himagsikan. Dapat munang mangyari ang mga iyon subalit hindi kaagad darating ang wakas.” At sinabi pa niya, “Maglalaban-laban ang mga bansa at ang mga kaharian. Magkakaroon ng malalakas na lindol, taggutom at mga salot sa iba't ibang dako. May lilitaw na mga kakaibang bagay at mga kakila-kilabot na kababalaghan buhat sa langit. “Ngunit bago mangyari ang lahat ng ito, kayo'y dadakpin at uusigin. Kayo'y lilitisin sa mga sinagoga at ipabibilanggo. At dahil sa pagsunod ninyo sa akin, isasakdal kayo sa harap ng mga hari at mga gobernador. Iyon ang pagkakataon ninyo upang makapagpatotoo tungkol sa akin. Ipagpasya ninyo na huwag kayong mabahala kung paano ninyo ipagtatanggol ang inyong sarili, sapagkat bibigyan ko kayo ng pananalita at karunungang hindi kayang tutulan o pabulaanan ng sinuman sa inyong mga kaaway. Ipagkakanulo kayo kahit ng inyong mga magulang, mga kapatid, mga kamag-anak at mga kaibigan; at ipapapatay nila ang ilan sa inyo. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin, ngunit hindi kayo malalagasan kahit isang hibla ng buhok. Sa inyong pagtitiis ay maililigtas ninyo ang inyong buhay.” “Kapag nakita ninyong napapaligiran na ng mga hukbo ang Jerusalem, tandaan ninyo, malapit na ang pagkawasak nito. Ang mga nasa Judea ay dapat nang tumakas papunta sa kabundukan, ang mga nasa bayan ay dapat nang lumabas, at ang mga nasa bukid ay huwag nang pumasok sa bayan. Sapagkat iyon ang mga araw ng pagpaparusa bilang katuparan ng mga sinasabi sa Kasulatan. Kawawa ang mga nagdadalang-tao at ang mga nagpapasuso sa mga araw na iyon dahil magkakaroon ng malaking kapighatian sa lupaing ito at darating ang pagpaparusa ng Diyos sa bansang ito. Mamamatay sila sa tabak, at ang iba'y dadalhing-bihag sa lahat ng bansa. Ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga Hentil hanggang sa matapos ang panahong itinakda sa kanila.” “Magkakaroon ng mga palatandaan sa araw, sa buwan, at sa mga bituin. Sa lupa, ang mga bansa ay masisindak at malilito dahil sa ugong at mga daluyong ng dagat. Ang mga tao'y hihimatayin sa takot dahil sa pag-iisip sa mga kapahamakang darating sa sanlibutan sapagkat mayayanig ang mga kapangyarihan sa langit. Sa panahong iyon, makikita nila ang Anak ng Taong dumarating na nasa alapaap, at may kapangyarihan at dakilang karangalan. Kapag nagsimula nang mangyari ang mga ito, tumayo kayo at tumingala sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyo.” At sinabi sa kanila ni Jesus ang isang talinghaga, “Tingnan ninyo ang puno ng igos at iba pang punongkahoy. Kapag nagkakadahon na ang mga ito, alam ninyong malapit na ang tag-araw. Gayundin naman, kapag nakita ninyong nangyayari na ang mga sinabi ko, malalaman ninyong malapit na ang kaharian ng Diyos. Tandaan ninyo: magaganap ang lahat ng ito bago lumipas ang salinlahing ito. Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit ang aking mga salita ay hindi lilipas kailanman.” “Mag-ingat kayo na huwag kayong malulong sa labis na pagsasaya, paglalasing at matuon ang inyong pag-iisip sa mga alalahanin sa buhay na ito; kung hindi ay bigla kayong aabutan ng Araw na iyon na tulad ng isang bitag. Sapagkat darating ang Araw na iyon sa lahat ng tao sa ibabaw ng lupa. Kaya't maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin na magkaroon kayo ng kalakasan upang malampasan ninyo ang lahat ng mangyayaring ito, at makatayo kayo sa harap ng Anak ng Tao.” Araw-araw, si Jesus ay nagtuturo sa Templo. Kung gabi nama'y umaalis siya at nagpapalipas ng magdamag sa Bundok ng mga Olibo. Maaga pa'y pumupunta na sa Templo ang mga tao upang makinig sa kanya. Malapit nang ipagdiwang noon ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa na tinatawag ding Pista ng Paskwa. Ang mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan ay naghahanap ng paraan upang mapatay nila si Jesus, ngunit nag-iingat sila dahil natatakot sila sa mga tao. Noon nama'y pumasok si Satanas kay Judas, na tinatawag na Iscariote, na kabilang sa Labindalawa. Kaya't nakipagkita siya sa mga punong pari at sa mga pinuno ng bantay sa Templo upang kanilang pag-usapan kung paano niyang maipagkakanulo si Jesus. Natuwa sila at pumayag na babayaran si Judas ng salapi. Nakipagkasundo siya, at mula noo'y humanap na siya ng pagkakataong maipagkanulo si Jesus nang hindi namamalayan ng mga tao. Sumapit ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa na siyang araw ng pagpatay at paghahandog ng korderong Pampaskwa. Inutusan ni Jesus sina Pedro at Juan, “Lumakad na kayo at ihanda ninyo ang ating Hapunang Pampaskwa.” “Saan po ninyo nais na maghanda kami?” tanong nila. Sumagot siya, “Pumunta kayo sa lungsod. May masasalubong kayong lalaki na may dalang isang banga ng tubig. Sundan ninyo siya sa bahay na kanyang papasukan. Sabihin ninyo sa may-ari ng bahay, ‘Ipinapatanong po ng Guro kung nasaan ang silid na maaaring magamit niya at ng kanyang mga alagad para sa Hapunang Pampaskwa.’ Ipapakita niya sa inyo ang isang malaking silid sa itaas na may nakahanda nang kagamitan. Doon kayo maghanda.” Lumakad sila at natagpuan ang lahat ayon sa sinabi ni Jesus. At inihanda nila ang Hapunang Pampaskwa. Nang sumapit na ang oras, dumulog si Jesus sa hapag kasama ang kanyang mga apostol. Sinabi niya sa kanila, “Matagal ko nang hinahangad na makasalo kayo sa Hapunang Pampaskwa na ito bago ako magdusa. Sinasabi ko sa inyo, hindi na ako muling kakain nito hanggang sa ito'y maganap sa kaharian ng Diyos.” Dumampot siya ng isang kopa, at matapos magpasalamat sa Diyos ay ibinigay iyon sa kanila, at nagsabi, “Kunin ninyo ito at paghati-hatian. Sinasabi ko sa inyo, mula ngayo'y hindi na ako iinom nitong katas ng ubas hanggang sa pagdating ng kaharian ng Diyos.” Dumampot din siya ng tinapay, at matapos magpasalamat sa Diyos ay kanyang pinaghati-hati iyon at ibinigay sa kanila. Sabi niya, “Ito ang aking katawan [na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-alaala sa akin.” Gayundin naman, dinampot niya ang kopa pagkatapos maghapunan at sinabi, “Ang kopang ito ang bagong tipan ng Diyos na pinagtibay ng aking dugo. Ang aking dugo ay mabubuhos alang-alang sa inyo]. “Ngunit kasalo ko rito ang magkakanulo sa akin. Papanaw ang Anak ng Tao ayon sa itinakda ng Diyos, ngunit kahabag-habag ang taong magkakanulo sa kanya.” At sila'y nagtanungan kung sino sa kanila ang gagawa ng ganoon. Nagtalu-talo rin ang mga alagad kung sino sa kanila ang dapat kilalaning pinakadakila. Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Pinipilit ng mga hari ng mga Hentil na sila'y ituring na panginoon ng kanilang nasasakupan, at ang mga may kapangyarihan ay nagnanasang matawag na mga tagatangkilik. Ngunit hindi ganoon ang dapat mangyari sa inyo. Sa halip, ang pinakadakila ang dapat lumagay na pinakamababa, at ang namumuno ay maging tagapaglingkod. Sino ba ang higit na nakakataas, ang nakadulog sa hapag, o ang naglilingkod? Hindi ba ang nakadulog sa hapag? Ngunit ako'y kasama ninyo bilang isang naglilingkod. “Kayo ang nanatiling kasama ko sa mga pagsubok sa akin. Kung paanong ang Ama ay nagbigay sa akin ng karapatang maghari, gayundin naman, ibinibigay ko sa inyo ang karapatang ito. Kayo'y kakain at iinom na kasalo ko sa aking kaharian, at kayo'y uupo sa mga trono at mamumuno sa labindalawang lipi ng Israel.” “Simon, Simon! Makinig ka! Hiniling ni Satanas na subukin kayo tulad sa ginagawa ng magsasaka na inihihiwalay ang ipa sa mga trigo. Subalit idinalangin kita upang huwag manghina ang iyong pananampalataya. At kapag nagbalik-loob ka na, patatagin mo ang iyong mga kapatid.” Sumagot si Pedro, “Panginoon, handa po akong mabilanggo at mamatay na kasama ninyo!” Ngunit sinabi ni Jesus, “Pedro, tandaan mo ito, bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay tatlong beses mo akong ikakaila.” Pagkatapos nito, tinanong sila ni Jesus, “Nang suguin ko kayong walang dalang lalagyan ng pera, balutan, o sandalyas, kinulang ba kayo ng anuman?” “Hindi po,” tugon nila. Sinabi niya, “Subalit ngayon, kung kayo'y may balutan o lalagyan ng pera, dalhin na ninyo. Ang sinumang walang tabak, ipagbili ang kanyang balabal at bumili ng isang tabak. Sinasabi ko sa inyo, dapat matupad sa akin ang sinasabi ng Kasulatang ito, ‘Ibinilang siya sa mga salarin,’ sapagkat ang nasusulat tungkol sa akin ay natutupad na.” Sinabi ng mga alagad, “Panginoon, heto po ang dalawang tabak.” “Sapat na iyan!” tugon niya. Lumabas si Jesus, at gaya ng kanyang kinagawian, nagpunta siya sa Bundok ng mga Olibo kasama ang mga alagad. Pagdating doo'y sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso.” Iniwan niya sila at pumunta sa di-kalayuan, at doo'y lumuhod at nanalangin. Sabi niya, “Ama, kung loloobin mo, ilayo mo sa akin ang kopang ito, ngunit huwag ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo.” [ Nagpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas ang loob niya. Dala ng matinding hinagpis, siya'y nanalangin nang lalong taimtim, at pumatak sa lupa ang kanyang pawis na parang malalaking patak ng dugo.] Pagkatapos manalangin, siya'y tumayo at lumapit sa kanyang mga alagad. Naratnan niyang natutulog ang mga ito dahil sa labis na kalungkutan. “Bakit kayo natutulog?” tanong niya. “Bumangon kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso.” Nagsasalita pa si Jesus nang dumating ang maraming taong pinangungunahan ni Judas, na kabilang sa Labindalawa. Nilapitan niya si Jesus upang halikan, subalit tinanong siya ni Jesus, “Judas, ipagkakanulo mo ba ang Anak ng Tao sa pamamagitan ng isang halik?” Nang makita ng mga alagad ang mangyayari ay sinabi nila, “Panginoon, gagamitin na ba namin ang aming tabak?” Kaagad tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng pinakapunong pari at natagpas ang kanang tainga nito. Sinabi ni Jesus, “Tama na iyan!” Hinipo niya ang tainga ng alipin at ang sugat ay kaagad ring naghilom. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga punong pari, sa mga pinuno ng mga bantay sa Templo at sa mga pinuno ng bayan na pumunta roon upang dakpin siya, “Ako ba'y tulisan, at naparito kayong may mga tabak at mga pamalo? Araw-araw akong nagtuturo sa Templo at naroon din kayo, ngunit hindi ninyo ako dinakip. Subalit takdang oras ninyo ngayon at ng kapangyarihan ng kadiliman.” Dinakip nga nila si Jesus at dinala sa bahay ng pinakapunong pari ng mga Judio. Si Pedro nama'y sumunod sa kanila na malayo ang agwat. Nagsiga sila sa gitna ng patyo at naupo sa paligid ng apoy, at si Pedro ay nakiumpok sa kanila. Nang makita siya ng isang utusang babae, siya'y pinagmasdang mabuti. Pagkatapos ay sinabi ng babae, “Kasama rin ni Jesus ang taong ito!” Ngunit ikinaila iyon ni Pedro, “Babae, ni hindi ko siya kilala!” Pagkaraan ng ilang sandali, mayroon uling nakapansin sa kanya at siya'y sinabihan, “Ikaw man ay kasamahan nila.” Ngunit sumagot siya, “Ginoo, hindi nila ako kasama!” Pagkalipas ng may isang oras, iginiit naman ng isa sa naroon, “Siguradong kasama ni Jesus ang taong ito, sapagkat isa rin siyang taga-Galilea.” Ngunit sumagot si Pedro, “Ginoo, hindi ko nalalaman ang sinasabi ninyo!” Nagsasalita pa siya nang biglang may tumilaok na manok. Lumingon ang Panginoon at tumingin kay Pedro, at naalala ni Pedro ang sinabi ng Panginoon, “Bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay tatlong beses mo akong ikakaila.” Lumabas si Pedro at umiyak nang buong pait. Samantala, si Jesus ay kinutya at binugbog ng mga nagbabantay sa kanya. Siya'y piniringan nila at pinagtatanong, “Hulaan mo! Sino ang sumuntok sa iyo?” Marami pang panlalait ang ginawa nila sa kanya. Kinaumagahan ay nagkatipon ang mga pinuno ng bayan, mga punong pari at mga tagapagturo ng Kautusan. Dinala nila si Jesus sa Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio at siya'y kanilang tinanong, “Sabihin mo sa amin, ikaw nga ba ang Cristo?” Sumagot si Jesus, “Sabihin ko man sa inyo ay hindi kayo maniniwala. Kung tanungin ko naman kayo, hindi rin kayo sasagot. Ngunit sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ang Anak ng Tao ay uupo sa kanan ng Makapangyarihang Diyos.” “Ibig mo bang sabihin, ikaw ang Anak ng Diyos?” tanong ng lahat. “Kayo na rin ang nagsasabi,” tugon niya. “Hindi na natin kailangan ng mga saksi; tayo na mismo ang nakarinig mula sa sarili niyang bibig!” sabi nila. Tumayo ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio at dinala si Jesus kay Pilato. Siya ay pinaratangan nila ng ganito, “Napatunayan po namin na inililigaw ng taong ito ang aming mga kababayan at pinagbabawalan niyang magbayad ng buwis sa Emperador. Sinasabi pa niyang siya raw ang Cristo, na isang hari.” Tinanong siya ni Pilato, “Ikaw nga ba ang Hari ng mga Judio?” “Ikaw na ang may sabi,” tugon ni Jesus. Sinabi ni Pilato sa mga punong pari at sa mga tao, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.” Ngunit iginiit nila, “Sa kanyang pagtuturo ay inuudyukan niyang maghimagsik ang mga taga-Judea. Nagsimula siya sa Galilea at ngayo'y narito na.” Nang marinig ito ni Pilato, itinanong niya kung si Jesus ay taga-Galilea nga. At nang malaman niyang si Jesus ay sakop ni Haring Herodes, ipinadala niya si Jesus kay Herodes, na nagkataon namang nasa Jerusalem nang mga araw na iyon. Tuwang-tuwa si Herodes nang makita niya si Jesus. Matagal na niyang ibig makita ito sapagkat marami siyang nababalitaan tungkol dito. Umaasa si Herodes na gagawa si Jesus ng ilang himala, at nais niyang makita iyon. Marami siyang itinanong kay Jesus, ngunit hindi ito sumagot kahit minsan. Samantala, ang mga punong pari at ang mga tagapagturo ng Kautusan ay nakatayo doon at walang pakundangang pinaparatangan si Jesus. Siya'y hinamak at tinuya ni Herodes at ng mga kawal nito. Siya ay dinamitan nila ng magarang damit, at ipinabalik siya kay Pilato. At nang araw ding iyon, naging magkaibigan sina Herodes at Pilato na dati'y magkagalit. Ipinatawag ni Pilato ang mga punong pari, ang mga pinuno ng bayan at ang mga tao. Sinabi niya sa kanila, “Isinakdal ninyo sa akin ang taong ito sa paratang na inililigaw niya ang mga taong bayan. Siniyasat ko siya sa harap ninyo at napatunayan kong walang katotohanan ang mga paratang ninyo sa kanya. Gayundin si Herodes, kaya ipinabalik niya sa atin ang taong ito. Wala siyang ginawang karapat-dapat para sa hatol na kamatayan. Ipahahagupit ko na lamang siya at pagkatapos ay aking palalayain.” [ Tuwing Pista ng Paskwa, kinakailangang magpalaya si Pilato ng isang bilanggong mapipili ng taong-bayan.] Subalit sabay-sabay na sumigaw ang mga tao, “Patayin ang taong iyan! Palayain si Barabbas!” Si Barabbas ay nabilanggo dahil sa paghihimagsik na pinangunahan nito sa lungsod, at dahil na rin sa salang pagpatay. Sa pagnanais na mapalaya si Jesus, minsan pang nagsalita sa kanila si Pilato, ngunit sumigaw ang mga tao, “Ipako siya sa krus! Ipako siya sa krus!” Ikatlong ulit na sinabi sa kanila ni Pilato, “Bakit, ano ba ang ginawa niyang masama? Wala akong makitang dahilan upang siya'y hatulan ng kamatayan. Kaya't ipahahagupit ko siya at pagkatapos ay palalayain.” Ngunit lalo nilang ipinagsigawan na si Jesus ay dapat ipako sa krus. Nanaig ang kanilang sigaw kaya't ipinasya ni Pilato na pagbigyan ang kanilang hinihingi. Ang taong hiningi nila, na nabilanggo dahil sa paghihimagsik at pagpatay, ay pinalaya niya at ibinigay niya si Jesus sa kanila upang gawin ang kanilang kagustuhan. Si Jesus ay dinala ng mga kawal. Nasalubong nila sa daan si Simon na taga-Cirene na noon ay galing sa bukid. Pinigil nila ito at ipinapasan dito ang krus habang pinapasunod kay Jesus. Sinusundan si Jesus ng maraming tao, kabilang ang ilang babaing nag-iiyakan at tumatangis dahil sa kanya. Nilingon sila ni Jesus at sinabi, “Mga kababaihan ng Jerusalem, huwag ninyo akong iyakan. Ang tangisan ninyo'y ang inyong sarili at ang inyong mga anak. Tandaan ninyo, darating ang mga araw na sasabihin nila, ‘Pinagpala ang mga baog, ang mga sinapupunang hindi nagdalang-tao, at ang mga dibdib na hindi nagpasuso.’ Sa mga araw na iyo'y sasabihin ng mga tao sa mga bundok, ‘Gumuho kayo sa amin!’ at sa mga burol, ‘Tabunan ninyo kami!’ Sapagkat kung ganito ang ginagawa sa kahoy na sariwa, ano naman kaya ang mangyayari sa kahoy na tuyo?” May dalawa pang kriminal na inilabas ang mga kawal upang pataying kasama ni Jesus. Nang dumating sila sa isang bundok na tinatawag na Bungo, ipinako nila si Jesus sa krus. Ipinako rin ang dalawang kriminal, isa sa kanyang kanan at isa sa kaliwa. [ Sinabi ni Jesus, “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”] Nagpalabunutan ang mga kawal upang paghati-hatian ang kasuotan niya. Ang mga tao nama'y nakatayo roon at nanonood, habang si Jesus ay kinukutya ng mga pinuno ng bayan. Sinabi nila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas niya ngayon ang kanyang sarili kung siya nga ang Cristo na hinirang ng Diyos!” Nilait din siya ng mga kawal. Nilapitan siya ng isa at inalok ng maasim na alak, kasabay ng ganitong panunuya, “Kung ikaw nga ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.” Mayroon ding nakasulat sa kanyang ulunan [sa wikang Griego, Latin at Hebreo], “Ito ang Hari ng mga Judio.” Tinuya rin siya ng isa sa mga salaring nakapako sa tabi niya, “Hindi ba ikaw ang Cristo? Iligtas mo ang iyong sarili at pati na rin kami.” Ngunit pinagsabihan naman ito ng kanyang kasama, “Wala ka na bang takot sa Diyos? Ikaw ay pinaparusahan ding tulad niya! Tama lamang na tayo'y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito'y walang ginawang masama.” At sinabi pa nito, “Jesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa iyo, isasama kita ngayon sa Paraiso.” Nang magtatanghaling-tapat na, hanggang sa ikatlo ng hapon, nagdilim sa buong lupain. Nawalan ng liwanag ang araw at ang tabing ng Templo'y napunit sa gitna. Sumigaw nang malakas si Jesus, “Ama, sa mga kamay mo'y ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu!” At pagkasabi nito, nalagot ang kanyang hininga. Nang makita ng kapitan ng mga kawal ang nangyari, siya'y nagpuri sa Diyos na sinasabi, “Tunay ngang matuwid ang taong ito!” Maraming tao ang nagkakatipon doon at nanonood. Nang makita nila ang mga nangyari, umuwi silang dinadagukan ang kanilang dibdib dahil sa lungkot. Nakatayo naman sa di-kalayuan ang mga kasamahan ni Jesus, pati ang mga babaing sumama sa kanya mula sa Galilea. Pinagmasdan nila ang mga pangyayaring ito. Nagpunta siya kay Pilato at hiningi ang bangkay ni Jesus. Ibinabâ niya ang bangkay, binalot sa telang lino at inilagay sa isang libingang inuka sa bato na hindi pa napaglilibingan. Araw noon ng Paghahanda at magsisimula na ang Araw ng Pamamahinga. Sumunod kay Jose ang mga babaing sumama kay Jesus mula pa sa Galilea. Nakita nila ang libingan at ang pagkakalagay doon ng bangkay ni Jesus. Pagkatapos, umuwi sila at naghanda ng mga pabango at mira. Pagsapit ng Araw ng Pamamahinga, nangilin sila ayon sa Kautusan. Maagang-maaga pa ng araw ng Linggo, ang mga babae ay nagbalik sa libingan, dala ang mga pabangong inihanda nila. Nang dumating sila doon, nakita nilang naigulong na ang batong nakatakip sa libingan. Ngunit nang pumasok sila, wala roon ang bangkay ng Panginoong Jesus. Samantalang nagtataka sila kung ano ang nangyari, biglang lumitaw sa tabi nila ang dalawang lalaking nakakasilaw ang damit. Dahil sa matinding takot, sila'y nagpatirapa. Tinanong sila ng mga lalaki, “Bakit ninyo hinahanap ang buháy sa lugar ng mga patay? Wala siya rito, siya'y muling nabuhay! Alalahanin ninyo ang sinabi niya sa inyo noong nasa Galilea pa siya, ‘Ang Anak ng Tao ay kailangang ipagkanulo sa mga makasalanan at ipako sa krus, at sa ikatlong araw ay muling mabubuhay.’” Naalala nga ng mga babae ang mga sinabi ni Jesus noong una, kaya't umuwi sila at isinalaysay nila sa labing-isa at sa iba pa nilang kasamahan ang buong pangyayari. Ang mga babaing ito'y sina Maria Magdalena, Juana, at Maria na ina ni Santiago; sila at ang iba pang mga babaing kasama nila ang nagbalita sa mga apostol. Akala ng mga apostol ay kahibangan lamang ang kanilang sinasabi kaya ayaw nilang paniwalaan ang mga kababaihan. [ Ngunit tumayo si Pedro at patakbong nagpunta sa libingan. Yumuko siya, at pagtingin sa loob ay wala siyang nakita kundi ang mga telang lino na ipinambalot kay Jesus. Kaya't umuwi siyang nagtataka sa nangyari.] Nang araw ding iyon, may dalawang alagad na naglalakad papuntang Emaus, isang nayong may labing-isang kilometro ang layo mula sa Jerusalem. Pinag-uusapan nila ang mga pangyayari. Habang sila'y nag-uusap, lumapit si Jesus at nakisabay sa kanila, ngunit siya'y hindi nila nakilala na para bang natatakpan ang kanilang mga mata. Tinanong sila ni Jesus, “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo?” Tumigil silang nalulumbay, at sinabi ng isa sa kanila na nagngangalang Cleopas, “Ikaw lamang yata ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakakaalam sa mga pangyayaring katatapos lamang maganap doon.” “Anong mga pangyayari?” tanong niya. Sumagot sila, “Tungkol kay Jesus na taga-Nazaret, isang propetang makapangyarihan sa salita at gawa maging sa harap ng Diyos at ng mga tao. Isinakdal siya ng aming mga punong pari at mga pinuno ng bayan upang mahatulang mamatay, at siya'y ipinako sa krus. Siya pa naman ang inaasahan naming magpapalaya sa Israel. Hindi lamang iyan. Ikatlong araw na ngayon mula nang mangyari ito. Nabigla kami sa ibinalita ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga raw silang nagpunta sa libingan at hindi nila natagpuan ang kanyang bangkay. Nagbalik sila at ang sabi'y nakakita raw sila ng isang pangitain, mga anghel na nagsabing si Jesus ay buháy. Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama namin at ganoon nga ang natagpuan nila, ngunit hindi nila nakita si Jesus.” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Kay hahangal ninyo! Kay kukupad ninyong maniwala sa lahat ng sinasabi ng mga propeta! Hindi ba't kailangang ang Cristo ay magtiis ng lahat ng ito bago siya pumasok sa kanyang kaluwalhatian?” At ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng sinasabi sa Kasulatan tungkol sa kanya, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa mga sinulat ng mga propeta. Malapit na sila sa nayong kanilang pupuntahan at si Jesus ay parang magpapatuloy pa sa paglakad, ngunit siya'y pinigil nila. “Tumuloy ka muna rito sa amin. Palubog na ang araw at dumidilim na,” sabi nila. Kaya't sumama nga siya sa kanila. Nang siya'y kasalo na nila sa pagkain, dumampot siya ng tinapay at nagpasalamat sa Diyos; pagkatapos, pinagpira-piraso iyon at ibinigay sa kanila. Noon nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila si Jesus, subalit siya'y biglang nawala sa kanilang paningin. Nasabi nila sa isa't isa, “Kaya pala nag-aalab ang ating puso habang tayo'y kinakausap niya sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang mga Kasulatan!” Agad silang tumayo at nagbalik sa Jerusalem. Naratnan nilang nagkakatipon doon ang labing-isa at ang ibang kasamahan nila. Sinabi ng mga ito sa dalawa, “Totoo nga palang muling nabuhay ang Panginoon! Nagpakita siya kay Simon!” At isinalaysay naman ng dalawa ang nangyari sa daan at kung paano nila nakilala si Jesus nang paghati-hatiin nito ang tinapay. Habang pinag-uusapan nila ito, tumayo si Jesus sa kalagitnaan nila [at nagsabi, “Sumainyo ang kapayapaan!”] Natigilan sila at natakot sapagkat ang akala nila'y nakakita sila ng multo. Kaya't sinabi ni Jesus, “Bakit kayo natitigilan? Bakit kayo nag-aalinlangan? Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa. Ako nga ito. Hawakan ninyo ako at pagmasdan. Ang multo ay walang laman at buto, ngunit ako'y mayroon, tulad ng nakikita ninyo.” [ Habang sinasabi niya ito, ipinapakita niya sa kanila ang kanyang mga kamay at mga paa.] Parang hindi pa rin sila makapaniwala sa laki ng galak at pagkamangha, kaya't tinanong sila ni Jesus, “May pagkain ba kayo riyan?” Siya'y binigyan nila ng isang hiwa ng isdang inihaw. Kinuha niya ito at kinain sa harap nila. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Ito ang tinutukoy ko nang sabihin ko sa inyo noong kasa-kasama pa ninyo ako: dapat matupad ang lahat ng nasusulat tungkol sa akin sa Kautusan ni Moises, sa aklat ng mga propeta, at sa aklat ng mga Awit.” Binuksan niya ang kanilang pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan. Sinabi niya sa kanila, “Ganito ang nasusulat: kinakailangang magdusa at mamatay ang Cristo; at pagkatapos, siya'y muling mabubuhay sa ikatlong araw. Sa kanyang pangalan, ang pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan ay dapat ipangaral sa lahat ng mga bansa, magmula sa Jerusalem. Kayo ang mga saksi sa mga bagay na ito. Tandaan ninyo, isusugo ko sa inyo ang ipinangako ng aking Ama, kaya't huwag kayong aalis sa Jerusalem hangga't hindi kayo napagkakalooban ng kapangyarihang mula sa langit.” Pagkatapos ng mga ito, sila'y isinama ni Jesus sa labas ng lungsod. Pagdating sa Bethania, itinaas niya ang kanyang mga kamay at sila'y binasbasan. Habang binabasbasan niya sila, siya'y umalis [at dinala paakyat sa langit]. Siya'y sinamba nila at pagkatapos ay bumalik sila sa Jerusalem na punung-puno ng kagalakan. Palagi silang nasa Templo at doo'y nagpupuri sa Diyos. Nang pasimula ay naroon na ang Salita; ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos. Sa pasimula ay kasama na ng Diyos ang Salita. Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. Nasa kanya ang buhay, at ang buhay ay siyang ilaw ng sangkatauhan. Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito nagapi kailanman ng kadiliman. Sinugo ng Diyos ang isang tao na nagngangalang Juan. Naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw at upang ang lahat ay sumampalataya sa pamamagitan niya. Hindi siya ang ilaw subalit naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw. Ito ang tunay na ilaw: dumarating ito sa sanlibutan upang magbigay liwanag sa lahat ng tao. Dumating ang Salita sa sanlibutan ngunit hindi siya kinilala ng sanlibutang ito na nilikha sa pamamagitan niya. Pumunta siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng sarili niyang kababayan. Subalit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging mga anak ng Diyos. Sila ay naging mga anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan o sa kagustuhan o sa kagagawan ng tao, kundi ayon sa kalooban ng Diyos. Naging tao ang Salita at nanirahan sa piling namin. Nakita namin ang kaluwalhatiang tunay na kanya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Siya ay puspos ng kagandahang-loob at ng katotohanan. Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya, na isinisigaw, “Siya ang tinutukoy ko nang aking sabihin, ‘Ang dumarating na kasunod ko'y higit kaysa sa akin, sapagkat siya ay naroon na bago pa man ako ipanganak.’” Mula sa kapuspusan ng kanyang kagandahang-loob, tumanggap tayong lahat ng abut-abot na kagandahang-loob. Ibinigay ang Kautusan sa pamamagitan ni Moises; ngunit dumating ang kagandahang-loob at katotohanan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Kailanma'y wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit ang natatanging Diyos na pinakamamahal ng Ama, ang nagpakilala sa Ama. Ang mga pinuno ng mga Judio sa Jerusalem ay nagsugo ng mga pari at Levita upang itanong kay Juan kung sino nga ba siya. Hindi nagkaila si Juan; sa halip ay maliwanag niyang sinabi, “Hindi ako ang Cristo.” “Sino ka kung gayon?” tanong nila. “Ikaw ba si Elias?” “Hindi ako si Elias,” tugon niya. “Ikaw ba ang Propeta?” Sumagot siya, “Hindi rin.” “Sino ka kung gayon? Sabihin mo kung sino ka upang may masabi kami sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?” tanong nilang muli. Sumagot si Juan ayon sa nasusulat sa aklat ni Propeta Isaias, “Ako ang tinig ng isang taong sumisigaw sa ilang, ‘Tuwirin ninyo ang daraanan ng Panginoon.’” Ang mga nagtanong ay sugo ng mga Pariseo. Muli nilang tinanong si Juan, “Bakit ka nagbabautismo, gayong hindi naman pala ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang Propeta?” Sumagot si Juan, “Ako'y nagbabautismo sa tubig, ngunit nasa inyong kalagitnaan ang isang hindi ninyo nakikilala. Dumarating siyang kasunod ko subalit hindi man lamang ako karapat-dapat na magkalag ng tali ng kanyang sandalyas.” Ang mga ito'y nangyari sa Bethania, sa silangan ng Ilog Jordan na pinagbabautismuhan ni Juan. Kinabukasan, nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kanya. Sinabi niya, “Tingnan ninyo, siya ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan. Siya ang tinutukoy ko nang sabihin kong ang dumarating na kasunod ko ay higit sa akin, sapagkat siya'y naroon na bago pa man ako ipanganak. Hindi ko rin siya kilala noon subalit ako'y naparitong nagbabautismo sa tubig upang ipakilala siya sa Israel.” Ganito ang patotoo ni Juan: “Nakita ko ang Espiritu na bumababa na parang isang kalapati na buhat sa langit at nanatili sa kanya. Hindi ko nga siya kilala noon. Ngunit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ang siyang nagsabi sa akin, ‘Kung kanino mo makitang bumabâ at manatili ang Espiritu, siya ang magbabautismo sa pamamagitan ng Espiritu Santo.’ Ngayon ay nakita ko siya, at pinapatotohanan kong siya ang Anak ng Diyos.” Kinabukasan, naroon muli si Juan kasama ang dalawa sa kanyang mga alagad. Nang makita niya si Jesus na nagdaraan ay kanyang sinabi, “Tingnan ninyo, siya ang Kordero ng Diyos!” Narinig ng dalawang alagad ang sinabi niya, kaya't sumunod sila kay Jesus. Lumingon si Jesus, at nang makita niyang sumusunod sa kanya ang mga ito, sila'y tinanong niya, “Ano ang kailangan ninyo?” Sumagot sila, “Saan po kayo nakatira, Rabi?” Ang kahulugan ng salitang ito'y Guro. “Halikayo at tingnan ninyo,” sabi ni Jesus. Sumama sila kay Jesus at nakita nila ang kanyang tinitirhan; at tumuloy sila roon nang araw na iyon. Noo'y mag-aalas kuwatro na ng hapon. Ang isa sa dalawang alagad na nakarinig kay Juan at sumunod kay Jesus ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. Unang hinanap ni Andres ang kanyang kapatid na si Simon. Sinabi niya rito, “Nakita na namin ang Mesiyas!” Ang kahulugan ng salitang ito'y Cristo. At isinama ni Andres si Simon kay Jesus. Tiningnan ni Jesus si Simon at sinabi sa kanya, “Ikaw ay si Simon na anak ni Juan. Ikaw ay tatawaging Cefas” (na ang katumbas ay Pedro ). Kinabukasan, minabuti ni Jesus na pumunta sa Galilea. Nakita niya roon si Felipe at sinabi ni Jesus sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” Si Felipe ay taga-Bethsaida, tulad nina Andres at Pedro. Nakita ni Felipe si Nathanael at sinabi niya dito, “Natagpuan na namin ang tinutukoy ni Moises sa kanyang isinulat sa aklat ng Kautusan at gayundin ng mga propeta. Siya'y si Jesus na taga-Nazaret, na anak ni Jose.” “May mabuti bang maaaring magmula sa Nazaret?” tanong ni Nathanael. Sumagot si Felipe, “Halika't tingnan mo.” Nang malapit na si Nathanael ay sinabi ni Jesus, “Masdan ninyo ang isang tunay na Israelita. Wala siyang anumang pagkukunwari.” Tinanong siya ni Nathanael, “Paano ninyo ako nakilala?” Sumagot si Jesus, “Bago ka pa tawagin ni Felipe, nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos.” Sumagot si Nathanael, “Rabi, kayo nga po ang Anak ng Diyos! Kayo ang Hari ng Israel!” Sinabi ni Jesus, “Sumampalataya ka ba dahil sa sinabi ko sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Higit pa riyan ang masasaksihan mo.” At sinabi niya sa kanya, “Pakatandaan mo: makikita ninyong bukás ang langit, at ang mga anghel ng Diyos ay manhik-manaog sa kinaroroonan ng Anak ng Tao!” Nang ikatlong araw, may kasalan sa Cana sa Galilea, at naroon ang ina ni Jesus. Si Jesus at ang kanyang mga alagad ay inanyayahan din sa kasalan. Naubos ang alak, kaya't sinabi ng ina ni Jesus sa kanya, “Anak, wala na silang alak.” Sinabi ni Jesus, “Ipaubaya na lang po ninyo ito sa akin, Ginang. Hindi pa ito ang aking tamang oras.” Sinabi ng kanyang ina sa mga naglilingkod, “Gawin ninyo ang anumang sabihin niya sa inyo.” May anim na banga doon, ang bawat isa'y naglalaman ng dalawampu hanggang tatlumpung galon. Ang mga ito ay nakalaan para sa paghuhugas ayon sa rituwal ng mga Judio. Sinabi ni Jesus sa mga tumutulong doon, “Punuin ninyo ng tubig ang mga banga.” At pinuno nga nila ang mga banga na halos mag-umapaw. Pagkatapos, sinabi niya, “Kumuha kayo ng kaunti at dalhin ninyo sa namamahala ng handaan.” Dinalhan nga nila ang namamahala, at tinikman nito ang tubig na naging alak. Hindi niya alam kung saan nanggaling iyon, subalit alam ng mga sumalok ng tubig. Kaya't tinawag niya ang lalaking ikinasal at sinabi, “Ang masarap na alak ay unang inihahain; kapag marami nang nainom ang mga tao, saka inihahain ang mababang uri. Ngunit sa huli ninyo inilabas ang masarap na alak!” Ang nangyaring ito sa Cana sa Galilea ang unang himalang ginawa ni Jesus. Sa pamamagitan nito'y inihayag niya ang kanyang kaluwalhatian at naniwala sa kanya ang mga alagad niya. Pagkatapos nito, pumunta si Jesus sa Capernaum, kasama ang kanyang ina, mga kapatid, at mga alagad. Sila'y nanatili roon nang ilang araw. Malapit na ang Paskwa ng mga Judio kaya't pumunta si Jesus sa Jerusalem. Nakita niya sa Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, tupa at kalapati, at ang mga namamalit ng salapi. Kumuha siya ng lubid at ginawa iyong panghagupit, at ipinagtabuyan niyang palabas ang mga nagtitinda, pati na ang mga baka at tupa. Isinabog niya ang salapi ng mga namamalit ng pera at ipinagtataob ang kanilang mga mesa. Pinagsabihan niya ang mga nagtitinda ng kalapati, “Alisin ninyo rito ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!” Naalala ng kanyang mga alagad ang sinasabi sa kasulatan, “Ang malasakit ko sa iyong bahay ang tutupok sa akin.” Dahil dito'y tinanong siya ng mga pinuno ng Judio, “Anong himala ang maipapakita mo upang patunayang may karapatan kang gawin ito?” Sumagot si Jesus, “Gibain ninyo ang Templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay muli ko itong itatayo.” Sinabi ng mga Judio, “Apatnapu't anim na taong ginawa ang Templong ito, at itatayo mo sa loob lamang ng tatlong araw?” Ngunit ang templong tinutukoy ni Jesus ay ang kanyang katawan. Kaya't nang siya'y muling nabuhay, naalala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito, at sila'y naniwala sa kasulatan at sa sinabi ni Jesus. Nang Pista ng Paskwa ay nasa Jerusalem si Jesus. Marami ang naniwala sa kanya nang makita nila ang mga himalang ginagawa niya. Subalit hindi ipinagkatiwala ni Jesus ang kanyang sarili sa kanila, sapagkat kilala niya ang lahat ng mga tao. Hindi na kailangang may magsabi pa sa kanya tungkol sa kaninuman, sapagkat nalalaman niya ang nasa isip ng lahat ng tao. May isang Pariseo na nagngangalang Nicodemo na pinuno ng mga Judio. Isang gabi, pumunta siya kay Jesus at sinabi, “Rabi, nalalaman po naming kayo'y isang tagapagturong mula sa Diyos, sapagkat walang makakagawa ng mga himalang ginagawa ninyo kung wala sa inyo ang Diyos.” Sumagot si Jesus, “Tandaan mo ang sinasabi kong ito: malibang ipanganak na muli ang isang tao, hindi niya makikita ang paghahari ng Diyos.” “Paanong maipapanganak pang muli ang isang taong matanda na? Makakapasok pa ba siya sa sinapupunan ng kanyang ina para muling ipanganak?” tanong ni Nicodemo. Sagot naman ni Jesus, “Tandaan mo ang sinasabi kong ito: malibang ang isang tao ay ipanganak sa pamamagitan ng tubig at ng Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos. Ang taong ipinanganak sa laman ay laman, at ang ipinanganak sa Espiritu ay espiritu. Huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo, ‘kayong lahat ay kailangang ipanganak na muli.’ Umiihip ang hangin kung saan nito nais at naririnig mo ang ugong nito, ngunit hindi mo alam kung saan ito nanggagaling at kung saan pupunta. Ganoon din ang bawat ipinanganak sa Espiritu.” “Paano po mangyayari iyon?” tanong ni Nicodemo. Sumagot si Jesus, “Guro ka pa naman sa Israel, hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito? Pakatandaan mo: ang sinasabi namin ay nalalaman namin, at ang pinapatotohanan namin ay nasaksihan namin, subalit hindi ninyo tinatanggap ang aming patotoo. Kung hindi ninyo pinaniniwalaan ang mga sinasabi ko tungkol sa mga bagay dito sa mundo, paano pa ninyo mapapaniwalaan ang sasabihin ko tungkol sa mga bagay doon sa langit? Wala pang sinumang umakyat sa langit kundi ang bumabâ mula sa langit, ang Anak ng Tao.” At kung paanong itinaas ni Moises ang tansong ahas doon sa ilang, gayundin naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulan ng parusa ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya. Hindi hinahatulan ng parusa ang sumasampalataya sa Anak. Ngunit hinatulan na ang hindi sumasampalataya, sapagkat hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos. Ganito ang paghatol ng Diyos: naparito sa sanlibutan ang ilaw, ngunit inibig pa ng mga tao ang dilim kaysa liwanag, sapagkat masasama ang kanilang mga gawa. Kinasusuklaman ng mga gumagawa ng masama ang ilaw, ni hindi lumalapit dito upang hindi mahayag ang kanilang mga gawa. Ngunit ang namumuhay ayon sa katotohanan ay lumalapit sa ilaw, upang maihayag na ang mga ginagawa niya ay pagsunod sa Diyos. Pagkatapos nito, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay nagpunta sa lupain ng Judea. Nanatili siya roon nang kaunting panahon na kasama nila at nagbautismo ng mga tao. Samantala, si Juan ay nagbabautismo naman sa Enon, malapit sa Salim, sapagkat maraming tubig doon. Pumupunta sa kanya ang mga tao at nagpapabautismo. Hindi pa noon nabibilanggo si Juan. Minsan, nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio tungkol sa rituwal ng paglilinis. Kaya't pumunta sila kay Juan at sinabi sa kanya, “Guro, naaalala pa po ba ninyo ang lalaking kasama ninyo sa ibayo ng Jordan, na inyong pinatotohanan? Siya po ay nagbabautismo rin at nagpupuntahan sa kanya ang lahat!” Sumagot si Juan, “Walang sinumang tatanggap ng anuman malibang ito'y ipagkaloob sa kanya ng Diyos. Kayo mismo ang makakapagpatunay na sinabi kong hindi ako ang Cristo; isa lamang akong sugo na mauuna sa kanya. Sa isang kasalan, ang babaing ikakasal ay para lamang sa lalaking ikakasal. Ang abay na naghihintay sa pagdating ng lalaking ikakasal ay lubos na nagagalak kapag narinig niya ang tinig nito. Gayundin naman, lubos na ang aking kagalakan ngayon. Dapat siyang maitaas at ako nama'y maibaba.” Ang mula sa itaas ay dakila sa lahat; ang mula sa lupa ay taga-lupa at nagsasalita tungkol sa mga bagay sa lupa. Ang mula sa langit ay dakila sa lahat. Pinapatotohanan niya ang kanyang nakita at narinig ngunit walang tumatanggap sa kanyang patotoo. Ang tumatanggap sa kanyang patotoo ay nagpapatunay na ang sinasabi ng Diyos ay totoo. Ang isinugo ng Diyos ay nagpapahayag ng mga salita ng Diyos, sapagkat lubusang ipinagkakaloob ng Diyos ang kanyang Espiritu. Iniibig ng Ama ang Anak, at ibinigay niya rito ang pamamahala sa lahat ng bagay. Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang hanggan. Ngunit ang hindi sumusunod sa Anak ay hindi magkakaroon ng buhay. Sa halip, mananatili sa kanya ang poot ng Diyos. Nabalitaan ng mga Pariseo na si Jesus ay mas maraming nahihikayat na maging alagad at nababautismuhan kaysa kay Juan. Nalaman ito ng Panginoon (bagaman hindi si Jesus mismo ang nagbabautismo, kundi ang kanyang mga alagad), kaya umalis siya sa Judea at bumalik sa Galilea. Kailangan dumaan siya sa Samaria. Dumating siya sa isang bayan na tinatawag na Sicar. Malapit ito sa bukid na ibinigay ni Jacob sa kanyang anak na si Jose. Dito matatagpuan ang balon ni Jacob. Dahil napagod si Jesus sa paglalakbay, umupo siya sa tabi ng balon. Halos katanghalian na noon. May isang Samaritanang dumating upang umigib, at sinabi ni Jesus sa kanya, “Maaari bang makiinom?” Wala noon ang kanyang mga alagad dahil sila'y bumibili ng pagkain sa bayan. Sinabi sa kanya ng babae, “Ikaw ay Judio at Samaritana naman ako. Bakit ka humihingi sa akin ng inumin?” Sinabi niya iyon sapagkat hindi nakikihalubilo ang mga Judio sa mga Samaritano. Sumagot si Jesus, “Kung alam mo lamang ang kaloob ng Diyos, at kung sino itong humihingi sa iyo ng inumin, ikaw ang hihingi sa kanya at bibigyan ka niya ng tubig na nagbibigay-buhay.” Nagsalita ang babae, “Ginoo, malalim ang balong ito at wala ka namang pansalok. Saan ka kukuha ng tubig na nagbibigay-buhay? Ang balong ito ay pamana pa sa amin ng aming ninunong si Jacob. Dito siya uminom, gayundin ang kanyang mga anak at mga hayop. Higit ka pa ba sa kanya?” Sumagot si Jesus, “Ang bawat uminom ng tubig na ito'y muling mauuhaw, ngunit ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko sa kanya ay hindi na muling mauuhaw kailanman. Ang tubig na ibibigay ko ay magiging batis sa loob niya, at patuloy na bubukal at magbibigay sa kanya ng buhay na walang hanggan.” Sinabi ng babae, “Ginoo, bigyan po ninyo ako ng tubig na iyan upang hindi na ako mauhaw, ni pumarito pa upang sumalok muli.” “Umuwi ka at isama mo rito ang iyong asawa,” wika ni Jesus. “Wala akong asawa,” sagot ng babae. Sinabi ni Jesus, “Tama ang sinabi mong wala kang asawa sapagkat lima na ang iyong naging asawa, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo nga ang sinabi mo.” Sinabi ng babae, “Ginoo, palagay ko ay isa kang propeta. Dito sa bundok na ito sumamba sa Diyos ang aming mga ninuno, ngunit sinasabi ninyong mga Judio na sa Jerusalem lamang dapat sambahin ang Diyos.” Sinabi naman ni Jesus, “Maniwala ka sa akin, darating ang panahon na sasambahin ninyo ang Ama hindi na sa bundok na ito o sa Jerusalem. Hindi ninyo kilala ang inyong sinasamba, ngunit kilala namin ang aming sinasamba, sapagkat ang kaligtasan ay nagmumula sa mga Judio. Subalit dumarating na ang panahon at ngayon na nga, na ang mga tunay na sumasamba sa Ama ay sasamba sa kanya sa espiritu at sa katotohanan. Sapagkat ganyan ang uri ng pagsambang ninanais ng Ama. Ang Diyos ay Espiritu at ang mga sumasamba sa kanya ay dapat siyang sambahin sa espiritu at sa katotohanan.” Sinabi ng babae, “Nalalaman ko pong darating ang Mesiyas, ang tinatawag na Cristo. Pagdating niya, siya ang magpapahayag sa amin ng lahat ng bagay.” “Akong kausap mo ngayon ang iyong tinutukoy,” sabi ni Jesus. Dumating ang kanyang mga alagad nang sandaling iyon, at nagtaka sila nang makita nilang nakikipag-usap si Jesus sa isang Samaritana. Ngunit isa man sa kanila'y walang nagtanong sa babae, “Ano ang kailangan ninyo?” Wala ring nagtanong kay Jesus, “Bakit ninyo siya kinakausap?” Iniwan ng babae ang kanyang banga, bumalik sa bayan at sinabi sa mga tagaroon, “Halikayo! Tingnan ninyo ang taong nagsabi sa akin ng lahat ng ginawa ko. Siya na kaya ang Cristo?” Kaya't lumabas ng bayan ang mga tao at nagpunta kay Jesus. Samantala, makailang ulit na sinabi ng mga alagad kay Jesus, “Rabi, kumain na kayo.” Ngunit sumagot siya, “Ako'y may pagkaing hindi ninyo nalalaman.” Kaya't nagtanung-tanungan ang mga alagad, “May nagdala kaya sa kanya ng pagkain?” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang pagkain ko'y ang tuparin ang kalooban ng nagsugo sa akin at tapusin ang ipinapagawa niya sa akin. “Hindi ba sinasabi ninyo, ‘Apat na buwan pa at anihan na’? Sinasabi ko naman sa inyo, masdan ninyo ang mga bukid, hinog na ang trigo at handa nang anihin. Ang umaani ay tumatanggap ng kabayaran at nagtitipon ng bunga para sa buhay na walang hanggan. Kaya't magkasamang magagalak ang nagtatanim at ang umaani. Dito nagkakatotoo ang kasabihang, ‘Iba ang nagtatanim at iba naman ang umaani.’ Isinugo ko kayo upang anihin ang hindi ninyo itinanim. Iba ang naghirap dito at kayo naman ang umani ng kanilang pinaghirapan.” Maraming Samaritano sa bayang iyon ang naniwala kay Jesus dahil sa patotoo ng babae, “Sinabi niya sa akin ang lahat ng aking ginawa.” Kaya't pumunta sila kay Jesus at nakiusap na tumigil muna siya roon, at tumigil nga siya roon sa loob ng dalawang araw. At marami pang sumampalataya nang mapakinggan siya. Pagkatapos, sinabi nila sa babae, “Naniniwala kami ngayon, hindi na dahil sa sinabi mo kundi dahil sa narinig namin siya. Alam na naming siya nga ang Tagapagligtas ng sangkatauhan.” Pagkaraan ng dalawang araw, bumalik si Jesus sa Galilea. (Si Jesus na rin ang nagpatotoo na ang isang propeta'y hindi iginagalang sa sarili nitong bayan.) Pagdating niya sa Galilea ay mabuti ang pagtanggap sa kanya ng mga tagaroon, sapagkat nasa Jerusalem din sila noong Pista ng Paskwa at nakita nila ang lahat ng kanyang ginawa roon. Nagpunta muli si Jesus sa Cana sa Galilea, kung saan ginawa niyang alak ang tubig. Sa bayan naman ng Capernaum ay may isang pinuno ng pamahalaan. Ang anak niyang lalaki ay may sakit at naghihingalo na. Nang mabalitaan niyang bumalik si Jesus sa Galilea mula sa Judea, pinuntahan niya ito at pinakiusapang pumunta sa Capernaum upang pagalingin ang kanyang anak. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Hangga't hindi kayo nakakakita ng mga himala at mga kababalaghan, kailanman ay hindi kayo sasampalataya.” Ngunit sinabi ng pinuno, “Tayo na po, Panginoon, bago mamatay ang aking anak.” Sumagot si Jesus, “Umuwi ka na, hindi mamamatay ang iyong anak.” Naniwala ang lalaki sa sinabi ni Jesus, at umuwi na nga siya. Sa daan pa lamang ay sinalubong na siya ng kanyang mga alipin at sinabing gumaling na ang kanyang anak. Tinanong niya ang mga iyon, “Anong oras nang bumuti ang kalagayan niya?” “Ala-una po kahapon nang siya'y mawalan ng lagnat,” tugon nila. Naalala ng ama na noong oras na iyon sinabi sa kanya ni Jesus, “Hindi mamamatay ang iyong anak.” Kaya't siya at ang kanyang buong sambahayan ay sumampalataya kay Jesus. Ito ang pangalawang himalang ginawa ni Jesus sa Galilea pagkagaling mula sa Judea. Pagkaraan nito'y dumating ang isang pista ng mga Judio, at pumunta si Jesus sa Jerusalem. Sa lungsod na ito, malapit sa Pintuan ng mga Tupa ay may malaking imbakan ng tubig na may limang portiko. Kung tawagin ito sa wikang Hebreo ay Bethzata. Nasa paligid nito ang maraming maysakit, mga bulag, mga pilay, at mga paralitiko. [ Sila'y naghihintay na gumalaw ang tubig, dahil may panahong ang isang anghel ng Panginoon ay bumababa at pinapagalaw ang tubig, at ang maunang lumusong sa tubig matapos na ito'y gumalaw ay gumagaling sa anumang karamdaman.] May isang lalaki doon na tatlumpu't walong taon nang may sakit. Nakita siya ni Jesus at alam niyang matagal nang may sakit ang lalaki kaya't tinanong niya ito, “Gusto mo bang gumaling?” Sumagot ang maysakit, “Ginoo, wala pong maglulusong sa akin kapag gumalaw na ang tubig; papunta pa lamang ako, may nauuna na sa akin.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Tumayo ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” Noon di'y gumaling ang lalaki, binuhat ang kanyang higaan, at lumakad. Noo'y Araw ng Pamamahinga kaya't sinabi ng mga pinuno ng mga Judio sa lalaking pinagaling, “Araw ng Pamamahinga ngayon! Labag sa Kautusan na dalhin mo ang iyong higaan.” Ngunit sumagot siya, “Ang nagpagaling po sa akin ang nagsabing buhatin ko ang aking higaan at lumakad ako.” At siya'y tinanong nila, “Sino ang nagsabi sa iyong buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka?” Ngunit hindi alam ng lalaki kung sino ang nagpagaling sa kanya, sapagkat maraming tao sa lugar na iyon at nakaalis na si Jesus. Pagkatapos nito, nakita ni Jesus sa loob ng Templo ang lalaki at sinabihan itong, “Magaling ka na ngayon! Huwag ka nang gumawa ng kasalanan at baka masahol pa riyan ang mangyari sa iyo.” Umalis ang lalaki at sinabi sa mga Judio na si Jesus ang nagpagaling sa kanya. Dahil dito, si Jesus ay sinimulang usigin ng mga pinuno ng mga Judio, sapagkat ginawa niya ito sa Araw ng Pamamahinga. Ngunit sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang aking Ama ay patuloy sa kanyang gawain hanggang ngayon, at gayundin ako.” Lalo namang pinagsikapan ng mga Judio na ipapatay siya, sapagkat hindi lamang niya nilabag ang batas tungkol sa Araw ng Pamamahinga, sinasabi pa niyang ang Diyos ang kanyang Ama, at sa gayon ay ipinapantay ang kanyang sarili sa Diyos. Kaya't sinabi sa kanila ni Jesus, “Pakatandaan ninyo na walang magagawa ang Anak sa kanyang sarili lamang; ang nakikita niyang ginagawa ng Ama ang siya lamang niyang ginagawa. Ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ng Anak, sapagkat minamahal ng Ama ang Anak at ipinapakita sa Anak ang lahat ng ginagawa niya at higit pa sa mga ito ang mga gawang ipapakita sa kanya ng Ama upang kayo'y mamangha. Kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at binibigyan sila ng buhay, gayundin naman, binubuhay ng Anak ang sinumang nais niyang buhayin. Hindi humahatol kaninuman ang Ama, sa halip ay ibinigay na niya sa Anak ang buong kapangyarihang humatol upang maparangalan ng lahat ang Anak, tulad ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa Anak. “Pakatandaan ninyo: ang nakikinig sa aking salita at sumasampalataya sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan kundi nakatawid na siya sa buhay mula sa kamatayan. Pakatandaan ninyo na darating ang oras, at ngayon na nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang sinumang makinig sa kanya ay mabubuhay. Kung paanong ang Ama mismo ang pinagmumulan ng buhay, gayon din naman ang Anak na binigyan niya ng ganoong karapatan. Binigyan niya ang Anak ng kapangyarihang humatol, sapagkat siya ang Anak ng Tao. Huwag ninyo itong pagtakhan, sapagkat darating ang oras na maririnig ng mga patay ang kanyang tinig at sila'y babangon. Lahat ng gumawa ng kabutihan ay babangon patungo sa buhay na walang hanggan, at lahat ng gumawa ng kasamaan ay babangon patungo sa kaparusahan.” “Wala akong magagawa sa sarili ko lamang. Humahatol ako ayon sa sinasabi sa akin ng Ama, kaya't matuwid ang hatol ko. Hindi ang sarili kong kalooban ang aking sinusunod kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin. “Kung ako lamang ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, ang patotoo ko ay walang katotohanan. Ngunit may ibang nagpapatotoo tungkol sa akin, at totoo ang kanyang sinasabi. Nagpadala kayo ng mga sugo kay Juan at nagpatotoo siya tungkol sa katotohanan. Hindi sa kailangan ko ang patotoo ng tao; sinasabi ko lamang ito para maligtas kayo. Si Juan ay parang maningas na ilaw na nagliliwanag noon, at kayo'y sandaling nasiyahan sa kanyang liwanag. Ngunit may patotoo tungkol sa akin na higit pa sa patotoo ni Juan. Ang mga gawang ipinapagawa sa akin ng Ama na siya ko namang ginaganap, ang nagpapatotoo na ako'y isinugo ng Ama. At ang Ama na nagsugo sa akin ay nagpapatotoo rin tungkol sa akin. Kailanma'y hindi ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita man ang kanyang anyo. Hindi nanatili sa inyong mga puso ang kanyang salita sapagkat hindi kayo sumasampalataya sa isinugo niya. Sinasaliksik ninyo ang mga Kasulatan sa pag-aakalang doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Ang mga Kasulatang iyan ang nagpapatotoo tungkol sa akin! Ngunit ayaw naman ninyong lumapit sa akin upang kayo'y magkaroon ng buhay. “Hindi ako naghahangad ng parangal ng tao. Subalit kilala ko kayo; alam kong wala kayong pag-ibig sa Diyos. Naparito ako sa pangalan ng aking Ama, subalit ayaw ninyo akong tanggapin. Kung may ibang pumarito sa kanyang sariling pangalan, siya'y inyong tatanggapin. Paano kayo maniniwala sa akin kung ang hinahangad ninyo'y ang papuri ng isa't isa at hindi ang papuri na nanggagaling sa iisang Diyos? Huwag ninyong isipin na ako ang magsasakdal laban sa inyo sa harapan ng Ama. Si Moises, na inaasahan ninyo, ang siyang maghaharap ng paratang laban sa inyo. Kung talagang naniniwala kayo kay Moises, maniniwala din kayo sa akin, sapagkat sumulat siya tungkol sa akin. Ngunit kung hindi kayo naniniwala sa mga isinulat niya, paano kayo maniniwala sa mga sinasabi ko?” Pagkatapos nito, tumawid si Jesus sa ibayo ng Lawa ng Galilea, na tinatawag ding Lawa ng Tiberias. Sinundan siya ng napakaraming tao sapagkat nakita nila ang mga himalang ginawa niya sa pagpapagaling sa mga maysakit. Umakyat si Jesus sa bundok kasama ang kanyang mga alagad at naupo roon. Noon ay malapit na ang Paskwa ng mga Judio. Tumanaw si Jesus at nang makita niyang dumarating ang napakaraming tao, tinanong niya si Felipe, “Saan kaya tayo makakabili ng tinapay upang makakain ang mga taong ito?” Sinabi niya iyon upang subukin si Felipe, sapagkat alam na niya ang kanyang gagawin. Sumagot naman si Felipe, “Kahit na po halagang dalawandaang salaping pilak ng tinapay ay di sasapat para makakain sila nang tigkakaunti.” Sinabi ni Andres na isa sa kanyang mga alagad at kapatid ni Simon Pedro, “Mayroon po ritong isang batang lalaki na may dalang limang tinapay na sebada at dalawang isda. Subalit sasapat kaya ang mga ito?” “Paupuin ninyo ang mga tao,” sabi ni Jesus. Madamo sa lugar na iyon. Umupo nga ang mga tao; sa kanila'y may humigit-kumulang sa limanlibo ang mga lalaki. Kinuha ni Jesus ang tinapay at matapos magpasalamat sa Diyos ay ipinamahagi iyon sa mga taong nakaupo. Gayundin ang ginawa niya sa mga isda. Nakakain ang lahat at nabusog. Nang makakain na ang mga tao, sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Ipunin ninyo ang lumabis nang di masayang.” Ganoon nga ang ginawa nila, at nakapuno sila ng labindalawang kaing mula sa limang tinapay na sebada. Nang makita ng mga tao ang himalang ginawa ni Jesus, sinabi nila, “Tunay na ito ang Propetang darating sa sanlibutan!” Napansin ni Jesus na lalapitan siya ng mga tao at pipilitin siyang gawing hari, kaya't umalis siyang muli at mag-isang umakyat sa bundok. Nang magtatakipsilim na, ang mga alagad ay pumunta sa tabi ng lawa. Sumakay sila sa bangka at naglayag papuntang Capernaum. Madilim na'y wala pa si Jesus. Lumakas ang hangin at lumaki ang alon. Nang makasagwan na sila nang may lima o anim na kilometro, nakita nila si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng tubig papalapit sa bangka, at sila'y natakot. Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Huwag kayong matakot. Ako ito!” Tuwang-tuwa nilang pinasakay si Jesus; at kaagad na nakarating ang bangka sa kanilang pupuntahan. Kinabukasan, nakita ng mga taong naiwan sa dalampasigan na iisa lamang ang bangkang naroon. Nalaman nilang si Jesus ay hindi kasama ng mga alagad nang ang mga ito'y sumakay sa bangka dahil ang mga ito lamang ang umalis. Dumating naman ang ilang bangkang galing sa Tiberias at dumaong sa lugar na malapit sa kinainan nila ng tinapay matapos magpasalamat ang Panginoon. Kaya't nang makita nilang wala roon si Jesus at ang kanyang mga alagad, sila'y sumakay sa mga bangka at pumunta sa Capernaum upang hanapin si Jesus. Nang makita nila si Jesus sa ibayo ng lawa, siya'y tinanong nila, “Guro, kailan pa kayo rito?” Sumagot si Jesus, “Totoo ang sinasabi kong ito: hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa mga himalang nakita ninyo, kundi dahil nakakain kayo ng tinapay at nabusog. Huwag ang pagkaing nasisira ang inyong pagsikapang kamtan, kundi ang pagkaing hindi nasisira na nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Iyan ang ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat ipinapakita ng Diyos Ama na siya ang may ganitong karapatan.” Kaya't siya'y tinanong nila, “Ano po ang dapat naming gawin upang aming matupad ang ipinapagawa ng Diyos?” “Ito ang ipinapagawa sa inyo ng Diyos, sumampalataya kayo sa sinugo niya,” tugon ni Jesus. “Ano pong himala ang maipapakita ninyo upang sumampalataya kami sa inyo? Ano po ang inyong gagawin? Ang aming mga ninuno ay kumain ng manna sa ilang; ayon sa nasusulat, ‘Sila'y binigyan niya ng tinapay na galing sa langit,’” sabi nila. Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit. Ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na galing sa langit. Sapagkat ang tinapay na galing sa Diyos ay ang bumabâ mula sa langit at nagbibigay-buhay sa sangkatauhan.” Sumagot sila, “Ginoo, bigyan po ninyo kaming lagi ng tinapay na ito.” Sinabi ni Jesus, “Ako ang tinapay ng buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi na magugutom kailanman, at ang sumasampalataya sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman. Ngunit sinabi ko na sa inyo, nakita na ninyo ako, ngunit hindi pa rin kayo sumasampalataya sa akin. Lalapit sa akin ang lahat ng ibinibigay sa akin ng Ama, at hinding-hindi ko itataboy kailanman ang sinumang lumalapit sa akin. Ako'y bumabâ mula sa langit, hindi upang gawin ang sarili kong kalooban, kundi ang kalooban niya na nagsugo sa akin. At ito ang kanyang kalooban: ang huwag kong hayaang mapahamak ang kahit sinuman sa mga ibinigay niya sa akin, kundi ang buhayin ko silang muli sa huling araw. Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama: ang lahat ng nakakakita sa Anak at sumasampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. At sila'y muli kong bubuhayin sa huling araw.” Nagbulung-bulungan ang mga Judio dahil sa sinabi niyang, “Ako ang tinapay na bumabâ mula sa langit.” Sinabi nila, “Hindi ba ito si Jesus na anak ni Jose? Kilala natin ang kanyang ama't ina. Paano niya masasabi ngayong bumabâ siya mula sa langit?” Kaya't sinabi ni Jesus, “Tigilan ninyo ang inyong bulung-bulungan. Walang makakalapit sa akin malibang dalhin siya sa akin ng Ama na nagsugo sa akin. At ang lumalapit sa akin ay muli kong bubuhayin sa huling araw. Nasusulat sa aklat ng mga propeta, ‘At silang lahat ay tuturuan ng Diyos.’ Ang bawat nakikinig sa Ama at natututo sa kanya ay lumalapit sa akin. Hindi ito nangangahulugang may nakakita na sa Ama; ang nagmula sa Diyos ang tanging nakakita sa Ama. Pakatandaan ninyo: ang sumasampalataya sa akin ay may buhay na walang hanggan. Ako ang tinapay ng buhay. Kumain ng manna ang inyong mga ninuno nang sila'y nasa ilang, ngunit sila'y namatay. Narito ang tinapay na bumabâ mula sa langit upang ang sinumang kumain nito ay hindi na mamatay. Ako nga ang tinapay na nagbibigay-buhay na bumabâ mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain ng tinapay na ito. At ang tinapay na ibibigay ko upang mabuhay ang sanlibutan ay ang aking laman.” Dahil dito'y nagtalu-talo ang mga Judio, “Paanong maibibigay sa atin ng taong ito ang kanyang laman upang makain natin?” Sinabi ni Jesus, “Pakatandaan ninyo: malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, hindi kayo magkakaroon ng buhay. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw. Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin. Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako naman sa kanya. Isinugo ako ng buháy na Ama at ako'y nabubuhay dahil sa kanya. Gayundin naman, ang sinumang kumakain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. Ito ang tinapay na bumabâ mula sa langit. Hindi ito katulad ng kinain ng inyong mga ninuno sa ilang; namatay sila kahit na kumain niyon. Ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.” Sinabi ito ni Jesus sa sinagoga habang siya'y nagtuturo sa Capernaum. Narinig ito ng kanyang mga alagad at marami sa kanila ang nagsabi, “Mabigat na pananalita ito; sino ang makakatanggap nito?” Kahit walang nagsasabi kay Jesus, alam niya na nagbubulung-bulungan ang kanyang mga alagad tungkol dito. Kaya't sinabi niya, “Dahil ba rito'y tatalikuran na ninyo ako? Gaano pa kaya kung makita ninyong umaakyat ang Anak ng Tao papunta sa dati niyang kinaroroonan? Ang Espiritu ang nagbibigay-buhay; hindi ito magagawa ng laman. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay espiritu at ito ang nagbibigay-buhay. Ngunit may ilan sa inyong hindi sumasampalataya.” Alam na ni Jesus buhat pa noong una kung sinu-sino ang hindi mananalig sa kanya, at kung sino ang magkakanulo sa kanya. Idinugtong pa niya, “Iyan ang dahilan kaya ko sinabi sa inyo na walang makakalapit sa akin malibang ito'y loobin ng Ama.” Mula noo'y marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na sumama sa kanya. Tinanong ni Jesus ang Labindalawa, “At kayo, gusto rin ba ninyong umalis?” Sumagot si Simon Pedro, “Panginoon, kanino pa po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Naniniwala kami at natitiyak namin na kayo nga ang Banal na mula sa Diyos.” Sumagot si Jesus, “Hindi ba't ako ang humirang sa inyong Labindalawa at ang isa sa inyo ay diyablo!” Ang tinutukoy niya'y si Judas na anak ni Simon Iscariote, sapagkat siya na kabilang sa Labindalawa ay magkakanulo sa kanya. Pagkatapos nito'y nilibot ni Jesus ang Galilea. Iniwasan niya ang Judea dahil nais siyang patayin ng mga pinuno ng mga Judio roon. Nalalapit na noon ang Pista ng mga Tolda, isa sa mga pista ng mga Judio, kaya't sinabi kay Jesus ng kanyang mga kapatid, “Bakit hindi ka umalis dito at pumunta sa Judea para makita ng iyong mga tagasunod ang ginagawa mo? Walang taong naglilihim ng kanyang ginagawa kung ang hangad niya'y maging tanyag. Ginagawa mo rin lamang ang mga bagay na ito, magpakilala ka na sa sanlibutan.” Maging ang mga kapatid ni Jesus ay hindi naniniwala sa kanya. Sumagot si Jesus, “Hindi pa dumating ang aking panahon; sa inyo'y maaari kahit anong panahon. Hindi kayo kapopootan ng sanlibutan, ngunit ako'y kinapopootan nila, sapagkat pinapatotohanan kong masasama ang mga gawa nito. Kayo na lamang ang pumunta sa pista. Hindi ako pupunta sapagkat hindi pa dumating ang aking panahon.” Pagkasabi nito, nagpaiwan siya sa Galilea. Pagkaalis ng kanyang mga kapatid, si Jesus ay palihim na pumunta rin sa pista. Hinahanap siya roon ng mga Judio. “Nasaan kaya siya?” tanong nila. Pabulong na pinag-uusapan siya ng marami. “Siya'y mabuting tao,” sabi ng ilan. “Hindi, inililigaw niya ang mga tao,” sabi naman ng iba. Ngunit walang nangahas magsalita nang hayagan tungkol sa kanya dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio. Nang kalagitnaan na ng pista, pumasok si Jesus sa Templo at nagturo. Nagtaka ang mga Judio at naitanong nila, “Saan kaya nakakuha ng karunungan ang taong ito gayong hindi naman siya nakapag-aral?” Kaya't sinabi ni Jesus, “Hindi sa akin ang itinuturo ko, kundi sa nagsugo sa akin. Kung talagang nais ninumang sumunod sa kalooban ng Diyos, malalaman niya kung ang itinuturo ko'y mula nga sa Diyos, o kung ang sinasabi ko ay galing lamang sa akin. Ang nagtuturo ng galing sa sarili niya ay naghahangad ng sariling karangalan. Ngunit ang taong naghahangad na maparangalan ang nagsugo sa kanya ay tapat at hindi nagsisinungaling. Hindi ba't ibinigay sa inyo ni Moises ang Kautusan? Bakit wala ni isa man sa inyo ang tumutupad nito? Bakit nais ninyo akong patayin?” Sumagot ang mga tao, “Sinasapian ka ng demonyo! Sino ba ang gustong pumatay sa iyo?” Sumagot si Jesus, “Isang bagay pa lamang ang ginawa ko'y nagtataka na kayong lahat. Ibinigay sa inyo ni Moises ang utos tungkol sa pagtutuli bagaman hindi ito nagmula sa kanya kundi sa inyong mga ninuno, at ginagawa ninyo ito kahit Araw ng Pamamahinga. Kung tinutuli ang isang sanggol na lalaki kahit Araw ng Pamamahinga para masunod ang utos ni Moises, bakit kayo nagagalit sa akin dahil nagpagaling ako ng isang tao sa Araw ng Pamamahinga? Huwag kayong humatol batay sa anyo, kundi humatol kayo batay sa matuwid na pamantayan.” Sinabi ng ilang taga-Jerusalem, “Hindi ba ito ang taong nais nilang patayin? Hayan! Lantaran siyang nagsasalita, ngunit wala silang sinasabi laban sa kanya! Baka naman alam na ng mga pinuno na siya nga ang Cristo! Ngunit pagdating ng Cristo ay walang makakaalam kung saan siya magmumula, subalit alam natin kung saan nagmula ang taong ito!” Kaya't habang si Jesus ay nagtuturo sa Templo, sumigaw siya, “Ako ba'y talagang kilala ninyo? Alam nga ba ninyo kung saan ako nagmula? Hindi ako naparito dahil sa aking sariling kagustuhan lamang. Karapat-dapat paniwalaan ang nagsugo sa akin. Hindi ninyo siya nakikilala, ngunit nakikilala ko siya, sapagkat sa kanya ako nagmula, at siya ang nagsugo sa akin.” Nais na siyang dakpin ng ilang naroroon, ngunit walang nangahas sapagkat hindi pa dumating ang kanyang panahon. Marami sa mga tao ang naniwala sa kanya. Ang sabi nila, “Pagparito ng Cristo, gagawa kaya siya ng mas marami pang himala higit kaysa sa mga ginawa ng taong ito?” Nakarating sa mga Pariseo ang usap-usapan ng mga tao tungkol kay Jesus, kaya't inutusan nila at ng mga punong pari ang ilang bantay sa Templo na dakpin si Jesus. Sinabi ni Jesus, “Makakasama pa ninyo ako nang kaunting panahon at babalik na ako sa nagsugo sa akin. Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako makikita sapagkat hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.” Nag-usap-usap ang mga Judio, “Saan kaya pupunta ang taong ito at hindi na raw natin siya makikita? Pupunta kaya siya sa ating mga kababayang napadpad sa lupain ng mga Griego upang magturo sa kanila? Ano kaya ang ibig niyang sabihin nang kanyang sinabing, ‘Hahanapin ninyo ako ngunit hindi ninyo ako makikita,’ at ‘Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko’?” Sa kahuli-hulihan at pinakatanging araw ng pista, tumayo si Jesus at nagsalita nang malakas, “Kayong mga nauuhaw ay lumapit sa akin at uminom. Ang sumasampalataya sa akin, ayon sa sinasabi ng Kasulatan, ‘Mula sa kanyang puso ay dadaloy ang tubig na nagbibigay-buhay.’ ” Ang tinutukoy niya'y ang Espiritung tatanggapin ng mga sumasampalataya sa kanya. Sapagkat hindi pa naipagkakaloob noon ang Espiritu dahil si Jesus ay hindi pa niluwalhati. Sinabi ng ilang nakarinig sa kanya, “Tunay ngang ito ang Propetang hinihintay natin!” “Siya na nga ang Cristo!” sabi naman ng iba. Ngunit may nagsabi rin, “Maaari bang magmula sa Galilea ang Cristo? Di ba hindi? Hindi ba sinasabi sa Kasulatan na ang Cristo ay magmumula sa lipi ni David, at ipanganganak sa Bethlehem na bayan ni David?” Nagkaroon ng pagkakabaha-bahagi sa mga tao dahil sa kanya. Gusto ng iba na dakpin siya, ngunit wala namang nangahas na humuli sa kanya. Nang bumalik ang mga bantay ng Templo, tinanong sila ng mga punong pari at ng mga Pariseo, “Bakit hindi ninyo siya dinala rito?” Sumagot ang mga bantay, “Wala pa po kaming narinig na nagsalita nang tulad ng taong ito!” “Pati ba kayo'y nalinlang na rin?” tanong ng mga Pariseo. “Mayroon bang pinuno o Pariseong naniniwala sa kanya? Ang mga taong bayan na ito na walang nalalaman sa Kautusan ay mga sinumpa!” Isa sa mga naroon ay si Nicodemo, ang Pariseong nagsadya kay Jesus noong una. At siya'y nagtanong, “Hindi ba't labag sa ating Kautusan na hatulan ang isang tao nang di muna nililitis at inaalam kung ano ang kanyang ginawa?” Sumagot sila, “Ikaw ba'y taga-Galilea rin? Saliksikin mo ang Kasulatan at makikita mong walang propetang magmumula sa Galilea.” [ Pagkatapos nito, umuwi na ang lahat. Si Jesus naman ay pumunta sa Bundok ng mga Olibo. Kinabukasan, maaga pa'y nagbalik na siya sa Templo. Lumapit sa kanya ang lahat ng mga tao. Umupo siya at nagsimulang magturo. Dumating noon ang mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo na may dalang isang babaing nahuli sa pangangalunya. Iniharap nila ito sa karamihan, at sinabi kay Jesus, “Guro, ang babaing ito'y nahuli sa aktong pangangalunya. Ayon sa Kautusan ni Moises, dapat batuhin hanggang sa mamatay ang mga katulad niya. Ano naman ang masasabi ninyo?” Itinanong nila ito upang subukin siya, at nang may maiparatang sila laban sa kanya. Ngunit yumuko lamang si Jesus at sumulat sa lupa sa pamamagitan ng daliri. Patuloy sila sa pagtatanong kaya't tumayo si Jesus at nagsalita, “Ang sinuman sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya.” At muli siyang yumuko at sumulat sa lupa. Nang marinig nila iyon, sila'y isa-isang umalis, simula sa pinakamatanda. Iniwan nila ang babaing nakatayo sa harap ni Jesus. Tumayo si Jesus at tinanong ang babae, “Nasaan sila? Wala na bang humahatol sa iyo?” “Wala po, Ginoo,” sagot ng babae. Sinabi ni Jesus, “Hindi rin kita hahatulan. Umuwi ka na, at mula ngayon ay huwag ka nang gumawa ng kasalanan.”] Muling nagsalita si Jesus sa mga tao. Sinabi niya, “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay magkakaroon ng ilaw sa kanyang buhay at di na lalakad sa kadiliman.” Sinabi sa kanya ng mga Pariseo, “Ikaw lang ang nagpapatotoo tungkol sa iyong sarili; walang katotohanan ang ganyang patotoo.” Sumagot si Jesus, “Kung nagpapatotoo man ako tungkol sa aking sarili, totoo ang aking sinasabi, sapagkat alam ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. Ngunit hindi ninyo alam ang aking pinanggalingan at ang aking pupuntahan. Humahatol kayo ayon sa mga pamantayan ng tao, ngunit hindi ako humahatol kaninuman. At humatol man ako, tama ang aking paghatol, sapagkat hindi ako nag-iisa sa aking paghatol, kundi kasama ko ang Ama na nagsugo sa akin. Nasusulat sa inyong Kautusan na dapat tanggapin ang patotoo ng dalawang saksi. Nagpatotoo ako tungkol sa aking sarili, at nagpapatotoo rin ang Ama na nagsugo sa akin.” Siya'y tinanong nila, “Nasaan ang iyong ama?” Sumagot si Jesus, “Hindi ninyo ako kilala, at hindi rin ninyo kilala ang aking Ama. Kung kilala ninyo ako, kilala rin ninyo siya.” Ito'y sinabi ni Jesus nang siya'y nagtuturo sa Templo, sa may lalagyan ng mga alay. Ngunit walang nangahas na humuli sa kanya sapagkat hindi pa dumating ang kanyang takdang oras. Muling sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako'y aalis at hahanapin ninyo ako; ngunit hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko. Mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan.” Nag-usap-usap ang mga Judio, “Magpapakamatay kaya siya kaya niya sinabing ‘Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko’?” Kaya't sinabi ni Jesus, “Kayo'y mula dito sa ibaba, ako'y mula sa itaas. Kayo'y taga-sanlibutang ito, ngunit ako'y hindi. Sinabi ko sa inyong mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan. Kung hindi kayo maniniwalang ‘Ako'y Ako Nga’, mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan.” “Sino ka nga bang talaga?” tanong nila. Sumagot si Jesus, “Sinabi ko na sa inyo noong simula pa lamang kung sino ako. Marami akong masasabi at maihahatol laban sa inyo. Ngunit totoo at dapat paniwalaan ang nagsugo sa akin, at ang narinig ko sa kanya ang ipinapahayag ko sa sanlibutan.” Hindi nila nauunawaan na ang Ama ang tinutukoy niya. Kaya't sinabi ni Jesus, “Kapag naitaas na ninyo ang Anak ng Tao, malalaman ninyong ‘Ako'y Ako Nga.’ Wala akong ginagawa batay sa sarili kong kapangyarihan. Ang ipinapasabi lamang ng Ama ang siya kong sinasabi, at kasama ko ang nagsugo sa akin at hindi niya ako iniiwan, sapagkat lagi kong ginagawa ang kalugud-lugod sa kanya.” Maraming nakarinig nito ang naniwala sa kanya. Sinabi naman ni Jesus sa mga Judiong naniniwala sa kanya, “Kung patuloy kayong susunod sa aking turo, kayo nga'y tunay na mga alagad ko. Makikilala ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.” Sumagot sila, “Kami ay mula sa lahi ni Abraham, at kailanma'y hindi kami naalipin ninuman. Paano mo masasabing palalayain kami?” Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: ang gumagawa ng kasalanan ay alipin ng kasalanan. Ang alipin ay hindi kabilang sa pamilya sa habang panahon, subalit ang anak ay kabilang magpakailanman. Kung ang Anak ang magpalaya sa inyo, kayo nga'y magiging tunay na malaya. Alam kong kayo'y mula sa lahi ni Abraham, gayunma'y pinagsisikapan ninyo akong patayin, sapagkat ayaw ninyong tanggapin ang aking turo. Ang nakita ko sa aking Ama ang siya kong sinasabi sa inyo, at ang narinig ninyo sa inyong ama ang siya namang ginagawa ninyo.” Sumagot sila, “Si Abraham ang aming ama.” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Kung kayo'y tunay na mga anak ni Abraham, gagawin sana ninyo ang kanyang ginawa. Sinasabi ko lang ang katotohanang narinig ko mula sa Diyos ngunit pinagsisikapan ninyong ako'y patayin. Hindi ganoon ang ginawa ni Abraham. Ang ginagawa ninyo'y tulad ng ginawa ng inyong ama.” Sumagot sila, “Hindi kami mga anak sa labas. Iisa ang aming Ama, ang Diyos.” Sinabi ni Jesus, “Kung talagang ang Diyos ang inyong Ama, inibig sana ninyo ako, sapagkat sa Diyos ako nanggaling. Hindi ako naparito sa sarili kong kagustuhan, kundi isinugo niya ako. Bakit di ninyo maunawaan ang sinasabi ko? Hindi ba't ito'y dahil sa ayaw ninyong tanggapin ang itinuturo ko? Ang diyablo ang inyong ama! At ang gusto ninyong gawin ay kung ano ang gusto niya. Sa simula pa lang ay mamamatay-tao na siya. Hindi siya pumanig sa katotohanan kailanman, sapagkat walang puwang sa kanya ang katotohanan. Kapag nagsasalita siya ng kasinungalingan, nagsasalita siya ayon sa kanyang kalikasan sapagkat siya'y sinungaling, at siya ang ama ng kasinungalingan. Ayaw ninyong maniwala sa akin sapagkat katotohanan ang sinasabi ko sa inyo. Sino sa inyo ang maaaring magpatunay na ako'y nagkasala? At kung katotohanan ang sinasabi ko, bakit ayaw ninyong maniwala sa akin? Ang mula sa Diyos ay nakikinig sa mga salita ng Diyos, subalit ayaw ninyong makinig sa akin sapagkat kayo'y hindi mula sa Diyos.” Sinabi ng mga Judio kay Jesus, “Hindi ba tama ang sinabi naming ikaw ay Samaritano at sinasapian ng demonyo?” Sumagot si Jesus, “Hindi ako sinasapian ng demonyo. Pinaparangalan ko ang aking Ama ngunit ako'y nilalapastangan ninyo. Hindi ako naghahangad na ako'y parangalan; may isang nagsisikap na ako'y parangalan, at siya ang hahatol. Pakatandaan ninyo: ang tumutupad ng aking salita ay hindi mamamatay kailanman.” Sinabi ng mga Judio, “Ngayo'y natitiyak naming sinasapian ka nga ng demonyo. Namatay si Abraham at ang mga propeta, ngunit sinasabi mong hindi mamamatay kailanman ang sinumang tumutupad ng iyong aral. Mas magaling ka pa ba kaysa sa aming amang si Abraham? Siya'y namatay, gayundin ang mga propeta. Ano ba ang palagay mo sa iyong sarili?” Sumagot si Jesus, “Kung ako ang nagpaparangal sa aking sarili, walang kabuluhan iyon. Ang nagpaparangal sa akin ay ang aking Ama na sinasabi ninyong Diyos ninyo. Hindi ninyo siya kilala, ngunit siya'y kilala ko. Kung sasabihin kong hindi ko siya kilala, ako'y magiging sinungaling na tulad ninyo. Subalit kilala ko siya at tinutupad ko ang kanyang salita. Natuwa ang inyong amang si Abraham nang malaman niyang makikita niya ang araw ng aking pagdating. Nakita nga niya ito at siya'y nagalak.” Dahil dito'y sinabi sa kanya ng mga Judio, “Wala ka pang limampung taong gulang, paano mo masasabing nakita mo na si Abraham?” Sumagot si Jesus, “Pakatandaan ninyo: bago pa ipinanganak si Abraham, ‘Ako ay Ako Na’.” Nagsidampot sila ng bato upang siya'y batuhin, ngunit nagtago si Jesus at lumabas ng Templo. Sa paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking bulag mula pa nang ipanganak. Tinanong siya ng kanyang mga alagad, “Rabi, sino po ang nagkasala at ipinanganak na bulag ang lalaking ito, siya ba o ang kanyang mga magulang?” Sumagot si Jesus, “Ipinanganak siyang bulag, hindi dahil sa nagkasala siya, o ang kanyang mga magulang, kundi upang mahayag ang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan niya. Kailangang gawin natin ang mga ipinapagawa ng nagsugo sa akin habang may araw pa; darating ang gabi, kung kailan wala nang makakapagtrabaho. Habang ako'y nasa sanlibutan, ako ang ilaw ng sanlibutan.” Pagkasabi nito, dumura si Jesus sa lupa at gumawa ng putik. Pagkatapos, ipinahid niya ito sa mata ng bulag. Sinabi ni Jesus sa bulag, “Pumunta ka sa imbakan ng tubig sa Siloe at maghilamos ka roon.” (Ang kahulugan ng salitang Siloe ay Sinugo.) Pumunta nga ang bulag, naghilamos doon, at pagbalik niya ay nakakakita na. Sinabi ng mga kapitbahay niya at ng mga nakakita sa kanya noong siya'y namamalimos pa, “Hindi ba iyan ang lalaking dating nakaupo at namamalimos?” Sumagot ang ilan, “Iyan nga!” Sabi naman ng iba, “Hindi! Kamukha lang.” Kaya't nagsalita ang dating bulag, “Ako nga po iyon.” “Paano kang nakakita?” tanong nila. Sumagot siya, “Ang lalaking tinatawag na Jesus ay gumawa ng putik at ipinahid iyon sa aking mata. Pagkatapos, sinabi niya sa akin, ‘Pumunta ka sa Siloe at maghilamos.’ Pumunta nga ako doon at naghilamos, at nakakita na ako!” “Nasaan siya?” tanong nila sa kanya. “Hindi ko alam,” sagot niya. Dinala ng mga tao sa mga Pariseo ang dating bulag. Araw ng Pamamahinga nang gumawa si Jesus ng putik at nang pinagaling niya ang bulag. Tinanong din siya ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. Kaya't sinabi niya sa kanila, “Pinahiran niya ng putik ang aking mga mata, ako'y naghilamos at ngayo'y nakakakita na ako.” Ang sabi ng ilang Pariseo, “Hindi maaaring mula sa Diyos ang taong iyon, sapagkat hindi niya ipinapangilin ang Araw ng Pamamahinga.” Ngunit sinabi naman ng iba, “Paanong makakagawa ng ganitong mga himala ang isang makasalanan?” At hindi sila magkaisa. Kaya't tinanong nilang muli ang dating bulag, “At ikaw, ano naman ang masasabi mo tungkol sa kanya, dahil pinagaling niya ang iyong mga mata?” “Isa siyang propeta!” sagot niya. Ayaw maniwala ng mga Judio na siya'y talagang dating bulag na ngayo'y nakakakita na kaya't ipinatawag nila ang kanyang mga magulang. “Anak nga ba ninyo ito? Talaga bang siya'y ipinanganak na bulag? Ano'ng nangyari at nakakakita na siya ngayon?” tanong nila. Sumagot ang kanyang mga magulang, “Alam naming anak namin siya at alam din naming siya'y ipinanganak na bulag. Ngunit hindi po namin alam kung ano ang nangyari at nakakakita na siya ngayon, o kung sino ang nagpagaling sa kanya. Siya na po ang tanungin ninyo. Nasa hustong gulang na siya. Makakapagsalita na siya para sa kanyang sarili.” Ganito ang sinabi ng kanyang mga magulang dahil sa kanilang takot sa mga pinuno ng mga Judio. Sapagkat pinagkaisahan na ng mga Judio na ang sinumang magpahayag na si Jesus ang Cristo ay ititiwalag sa sinagoga. Ito ang dahilan kung bakit sinabi ng kanyang mga magulang, “Siya'y nasa hustong gulang na, siya ang tanungin ninyo.” Muli nilang ipinatawag ang dating bulag at sinabi sa kanya, “Sa ngalan ng Diyos, magsabi ka ng totoo. Alam naming ang taong iyon ay makasalanan.” Sumagot siya, “Hindi ko po alam kung siya'y makasalanan, o hindi. Isang bagay po ang alam ko; ako'y dating bulag, subalit ngayo'y nakakakita na.” “Ano ang ginawa niya sa iyo? Paano niya pinagaling ang iyong mga mata?” tanong nila. Sumagot siya, “Sinabi ko na po sa inyo, at ayaw naman ninyo akong paniwalaan. Bakit gusto ninyong marinig muli? Nais ba ninyong maging alagad din niya?” At siya'y kanilang nilait, “Ikaw ang alagad niya! Kami'y mga alagad ni Moises. Nalalaman naming nagsalita ang Diyos kay Moises ngunit ang taong iyon, ni hindi namin alam kung saan siya nanggaling!” Sumagot ang lalaki, “Iyan nga po ang nakapagtataka! Hindi ninyo alam kung saan siya nanggaling, gayunma'y pinagaling niya ang aking mga mata. Alam nating hindi pinapakinggan ng Diyos ang mga makasalanan, ngunit pinapakinggan niya ang mga sumasamba sa kanya at sumusunod sa kanyang kalooban. Mula pa nang likhain ang mundo ay wala pa tayong nabalitaang nakapagpagaling ng mata ng taong ipinanganak na bulag. Wala pong magagawa ang taong iyon kung siya'y hindi mula sa Diyos!” Sumagot sila, “Ipinanganak kang lubos na makasalanan at ngayo'y nais mo pa kaming turuan!” At siya'y kanilang itiniwalag. Nabalitaan ni Jesus na ang lalaking pinagaling niya ay itiniwalag ng mga Pariseo. Kaya't nang matagpuan niya ito ay kanyang tinanong, “Sumasampalataya ka ba sa Anak ng Tao?” Sumagot ang lalaki, “Sino po ba siya, Ginoo? Sabihin ninyo sa akin upang ako'y sumampalataya sa kanya.” “Siya'y nakita mo na. Siya ang kausap mo ngayon,” wika ni Jesus. “Sumasampalataya po ako, Panginoon!” sabi ng lalaki. At sinamba niya si Jesus. Sinabi ni Jesus, “Naparito ako sa mundong ito upang humatol, at nang sa gayo'y makakita ang mga bulag at mabulag naman ang mga nakakakita.” Narinig ito ng ilang Pariseong naroon at siya'y kanilang tinanong, “Ibig mo bang sabihi'y mga bulag din kami?” Sumagot si Jesus, “Kung kayo nga'y bulag, hindi sana kayo hahatulang maysala. Ngunit dahil sinasabi ninyong nakakakita kayo, nananatili kayong maysala.” “Tandaan ninyo ito: ang pumapasok sa kulungan ng mga tupa nang hindi sa pinto nagdaraan, kundi umaakyat sa di dapat pagdaanan ay magnanakaw at tulisan. Ngunit ang nagdaraan sa pintuan ay siyang pastol ng mga tupa. Pinapapasok siya ng bantay, at pinapakinggan ng mga tupa ang kanyang tinig. Tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa kani-kanilang pangalan, at inilalabas sa kulungan. Kapag nailabas na, siya'y nangunguna sa kanila at sumusunod naman ang mga ito sapagkat kilala nila ang kanyang tinig. Hindi sila susunod sa iba, kundi tatakbong palayo, sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng iba.” Sinabi ni Jesus ang paglalarawang ito ngunit hindi nila naunawaan ang ibig niyang sabihin. Kaya't muling sinabi ni Jesus, “Pakatandaan ninyo: ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. Ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko'y maliligtas. Papasok siya't lalabas, at makakatagpo ng pastulan. Dumarating ang magnanakaw para lamang magnakaw, pumatay, at manira. Naparito ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, buhay na masaganang lubos. “Ako ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa. Ang upahan ay tumatakas kapag may dumarating na asong-gubat. Iniiwan niya ang mga tupa, palibhasa'y hindi siya pastol at hindi kanya ang mga ito. Kaya't sinusunggaban ng asong-gubat ang mga ito at binubulabog. Tumatakas siya, palibhasa'y upahan lamang at walang malasakit sa mga tupa. Mayroon akong iba pang mga tupa na wala pa sa kulungang ito. Kinakailangang sila'y ipasok ko rin, at papakinggan nila ang aking tinig. Sa gayon, magkakaroon ng isang kawan na may isang pastol. “Dahil dito'y minamahal ako ng Ama, sapagkat iniaalay ko ang aking buhay upang ito'y kunin kong muli. Walang makakakuha ng aking buhay; kusa ko itong ibinibigay. Mayroon akong kapangyarihang ibigay ito at mayroon akong kapangyarihang kunin itong muli. Ang utos na ito'y tinanggap ko mula sa aking Ama.” Dahil sa mga pananalitang ito, nagkabaha-bahagi muli ang mga Judio. Marami sa kanila ang nagsabi, “Sinasapian siya ng demonyo! Nababaliw siya! Bakit kayo nakikinig sa kanya?” Sinabi naman ng iba, “Hindi makakapagsalita nang ganoon ang isang sinasapian ng demonyo! Nakakapagpagaling ba ng bulag ang demonyo?” Taglamig na noon at kasalukuyang ipinagdiriwang sa Jerusalem ang Pista ng Pagtatalaga ng Templo. Habang naglalakad si Jesus sa Templo, sa Portiko ni Solomon, pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya, “Hanggang kailan mo kami paghihintayin? Kung ikaw nga ang Cristo, sabihin mo na nang maliwanag.” Sumagot si Jesus, “Sinabi ko na sa inyo, ngunit ayaw ninyong maniwala. Ang mga ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ang nagpapatotoo tungkol sa akin. Ngunit ayaw ninyong maniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan. Kailanma'y hindi sila mapapahamak at hindi sila maaagaw sa akin ninuman. Ang aking Ama na siyang nagbigay sa kanila sa akin ay lalong dakila sa lahat, at hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. Ako at ang Ama ay iisa.” Muling dumampot ng bato ang mga Judio upang batuhin si Jesus. Kaya't sinabi niya sa kanila, “Marami akong ipinakita sa inyo na mabubuting gawa mula sa Ama. Alin sa mga ito ang dahilan at ako'y inyong babatuhin?” Sumagot ang mga Judio, “Hindi dahil sa mabubuting gawa kaya ka namin babatuhin, kundi dahil sa paglapastangan mo sa Diyos! Sapagkat ipinapantay mo ang iyong sarili sa Diyos, gayong tao ka lamang.” Tumugon si Jesus, “Hindi ba nasusulat sa inyong Kautusan, ‘Sinabi ko, mga diyos kayo’? Tinawag na diyos ang mga pinagkatiwalaan ng salita ng Diyos, at hindi maaaring ipawalang-bisa ang sinasabi ng kasulatan. Ako'y pinili at isinugo ng Ama; paano ninyo ngayon masasabing nilalapastangan ko ang Diyos dahil sa sinabi kong ako ang Anak ng Diyos? Kung hindi ko ginagawa ang mga ipinapagawa ng aking Ama, huwag ninyo akong paniwalaan. Ngunit kung ginagawa ko ang mga ito, paniwalaan ninyo ang aking mga gawa kung ayaw man ninyong maniwala sa akin. Sa gayon, matitiyak ninyong nasa akin ang Ama at ako'y nasa Ama.” Kaya't tinangka na naman nilang dakpin si Jesus, ngunit natakasan niya sila. Muling pumunta si Jesus sa ibayo ng Jordan, sa pook na dating pinagbabautismuhan ni Juan. Nanatili siya roon at maraming lumapit sa kanya. Sinabi nila, “Walang ginawang himala si Juan ngunit totoo ang lahat ng sinabi niya tungkol sa taong ito.” At doo'y maraming sumampalataya kay Jesus. May isang taong nagngangalang Lazaro na nagkasakit. Nakatira siya sa Bethania kasama ang mga kapatid niyang sina Maria at Martha. Si Maria ang nagbuhos ng pabango sa paa ng Panginoon at pagkatapos ay pinunasan iyon ng kanyang buhok. Dahil may sakit si Lazaro, nagpasabi kay Jesus ang magkapatid, “Panginoon, ang minamahal ninyong kaibigan ay may sakit.” Nang marinig ito ni Jesus ay sinabi niya, “Hindi niya ikamamatay ang sakit na ito. Nangyari iyon upang maparangalan ang Diyos at sa pamamagitan nito'y maparangalan ang Anak ng Diyos.” Mahal ni Jesus ang magkakapatid na Martha, Maria at Lazaro. Gayunman, nagpalipas pa siya doon ng dalawang araw mula nang mabalitaang may sakit si Lazaro. Pagkatapos nito, sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Magbalik tayo sa Judea.” Sumagot ang mga alagad, “Rabi, hindi po ba't kamakailan lamang ay pinagtangkaan kayong batuhin ng mga tao? Bakit pupunta na naman kayo doon?” Sinabi ni Jesus, “Hindi ba't may labindalawang oras sa maghapon? Hindi matitisod ang lumalakad kung umaga sapagkat nakikita niya ang nagbibigay-liwanag sa daigdig na ito. Subalit natitisod ang lumalakad kung gabi sapagkat wala na siyang liwanag.” Idinugtong pa ni Jesus, “Natutulog ang kaibigan nating si Lazaro. Pupunta ako upang gisingin siya.” “Panginoon, kung natutulog lang po siya ay gagaling siya,” sagot ng mga alagad. Ang ibig sabihin ni Jesus ay patay na si Lazaro, ngunit ang akala ng mga alagad ay talagang natutulog lamang ito. Dahil dito'y tuwirang sinabi ni Jesus, “Patay na si Lazaro; ngunit dahil sa inyo, ako'y nagagalak na wala ako roon, nang sa gayon ay sumampalataya kayo sa akin. Tayo na, puntahan natin siya.” Sinabi ni Tomas, na tinatawag na Kambal, sa kanyang mga kasama, “Sumama tayo sa kanya, nang mamatay tayong kasama niya.” Pagdating ni Jesus, nalaman niyang apat na araw nang nakalibing si Lazaro. May tatlong kilometro lamang ang layo ng Jerusalem sa Bethania, at maraming Judio ang dumalaw kina Martha at Maria upang makiramay sa pagkamatay ng kanilang kapatid. Nang mabalitaan ni Martha na dumarating si Jesus, sinalubong niya ito, ngunit si Maria nama'y naiwan sa bahay. Sinabi ni Martha, “Panginoon, kung narito po kayo, hindi sana namatay ang kapatid ko. Subalit alam kong kahit ngayo'y ipagkakaloob sa inyo ng Diyos ang anumang hingin ninyo sa kanya.” “Muling mabubuhay ang iyong kapatid,” sabi ni Jesus. Sumagot si Martha, “Alam ko pong siya'y mabubuhay muli sa huling araw.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay; at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko?” Sumagot siya, “Opo, Panginoon! Naniniwala po akong kayo ang Cristo, ang Anak ng Diyos na inaasahang darating sa sanlibutan.” Pagkasabi nito, umuwi si Martha. Tinawag niya si Maria at binulungan, “Naririto na ang Guro at ipinapatawag ka.” Pagkarinig nito'y nagmadaling tumayo si Maria upang salubungin si Jesus. Wala pa si Jesus sa nayon; naroon pa lamang siya sa lugar kung saan siya sinalubong ni Martha. Nang makitang si Maria'y nagmamadaling tumayo at lumabas, sinundan siya ng mga Judiong nakikiramay sa kanila. Akala nila'y pupunta siya sa libingan upang umiyak. Pagdating ni Maria sa kinaroroonan ni Jesus, nagpatirapa siya sa paanan nito at nagsabi, “Panginoon, kung narito po lamang kayo, hindi sana namatay ang aking kapatid.” Nahabag si Jesus at nabagbag ang kanyang kalooban nang makita niyang umiiyak si Maria, pati ang mga Judiong kasama nito. “Saan ninyo siya inilibing?” tanong ni Jesus. Sumagot sila, “Panginoon, halikayo at tingnan ninyo.” Tumangis si Jesus. Kaya't sinabi ng mga Judio, “Tingnan ninyo, talagang mahal na mahal niya si Lazaro!” Sinabi naman ng ilan, “Napagaling niya ang bulag, bakit hindi niya napigilang mamatay si Lazaro?” Muling nabagbag ang kalooban ni Jesus pagdating sa libingan. Ang pinaglibingan kay Lazaro ay isang yungib na natatakpan ng malaking bato. “Alisin ninyo ang bato,” utos ni Jesus. Ngunit si Martha na kapatid ng namatay ay sumagot, “Panginoon, nangangamoy na po siya ngayon; apat na araw na siyang patay.” Sinabi ni Jesus, “Hindi ba't sinabi ko sa iyo na kung sasampalataya ka ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Diyos?” Kaya't inalis nila ang bato. Tumingala si Jesus sa langit at sinabi, “Ama, nagpapasalamat ako sa iyo sapagkat dininig mo ako, at alam kong lagi mo akong dinirinig. Ngunit sinasabi ko ito dahil sa mga taong naririto, upang maniwala silang ikaw ang nagsugo sa akin.” Pagkasabi nito ay sumigaw siya, “Lazaro, lumabas ka!” Lumabas nga si Lazaro na nababalot ng telang panlibing ang mga kamay at paa; may nakabalot ding tela sa mukha niya. Inutos ni Jesus sa kanila, “Kalagan ninyo siya at nang makalakad siya.” Marami sa mga Judiong dumalaw kina Maria ang nakakita sa ginawa ni Jesus, at sumampalataya sila sa kanya. Ngunit may ilan sa kanila na pumunta sa mga Pariseo at ibinalita ang ginawa ni Jesus. Kaya't tinipon ng mga punong pari at mga Pariseo ang mga kagawad ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio. Kanilang sinabi, “Ano ang gagawin natin? Gumagawa ng maraming himala ang taong ito. Kung siya'y pababayaan nating magpatuloy sa kanyang mga ginagawa, maniniwala sa kanya ang lahat. Paparito ang mga Romano at wawasakin ang ating Templo at ang ating bansa.” Ngunit ang isa sa kanila, si Caifas na siyang Pinakapunong Pari nang taóng iyon, ay nagsabing, “Wala kayong alam! Hindi ba ninyo naiisip na mas mabuti sa inyo na isang tao lamang ang mamatay alang-alang sa bayan, kaysa mapahamak ang buong bansa?” Hindi mula sa kanyang sarili ang sinabi niyang ito. Bilang Pinakapunong Pari nang taóng iyon, nagpahayag siya ng propesiya na dapat mamatay si Jesus alang-alang sa bansa at hindi lamang para sa bansa kundi upang tipunin ang mga anak ng Diyos na nasa iba't ibang dako. Mula noon, pinagplanuhan na nila kung paano maipapapatay si Jesus. Dahil dito, si Jesus ay hindi na hayagang naglakad sa Judea. Sa halip, siya'y nagpunta sa Efraim, isang bayang malapit sa ilang, at doon muna tumigil kasama ng kanyang mga alagad. Nalalapit na ang Pista ng Paskwa. Maraming taga-lalawigan ang pumunta sa Jerusalem bago sumapit ang kapistahan upang isagawa ang seremonya ng paglilinis. Hinanap nila si Jesus, at habang sila'y nag-uusap-usap sa Templo, sila'y nagtanungan, “Ano sa palagay ninyo? Paparito kaya siya sa pista?” Ipinag-utos ng mga punong pari at ng mga Pariseo na ipagbigay-alam sa kanila ng mga tao kapag nalaman nila kung nasaan si Jesus upang ito'y maipadakip nila. Anim na araw bago sumapit ang Pista ng Paskwa, si Jesus ay nagpunta sa Bethania, kung saan nakatira si Lazaro na kanyang muling binuhay. Isang hapunan ang inihanda roon para sa kanya. Si Lazaro ay isa sa mga kasalo ni Jesus samantalang si Martha naman ay tumutulong sa paglilingkod sa kanila. Kumuha naman si Maria ng isang bote ng mamahaling pabangong galing sa katas ng dalisay na nardo, at ibinuhos sa mga paa ni Jesus. Pagkatapos, pinunasan niya ang mga ito ng kanyang buhok. At napuno ang buong bahay ng halimuyak ng pabango. Ito'y pinuna ni Judas Iscariote, ang alagad na magkakanulo sa kanya. Sinabi niya, “Bakit hindi na lamang ipinagbili ang pabango at ibinigay sa mga dukha ang pinagbilhan? Maaaring umabot sa tatlong daang salaping pilak ang halaga ng pabangong iyan!” Sinabi iyon ni Judas, hindi dahil sa siya'y may malasakit sa mga dukha, kundi dahil sa siya'y magnanakaw. Siya ang tagapagdala ng kanilang salapi, at madalas niyang kinukupitan ito. Ngunit sinabi ni Jesus, “Pabayaan ninyo siya! Hayaan ninyong ilaan niya ito para sa araw ng aking libing. Habang panaho'y kasama ninyo ang mga dukha, ngunit ako'y hindi ninyo kasama habang panahon.” Nabalitaan ng maraming Judio na si Jesus ay nasa Bethania kaya't nagpunta sila roon upang makita siya at si Lazaro, na kanyang muling binuhay. Kaya't binalak ng mga punong pari na ipapatay din si Lazaro, sapagkat dahil sa kanya'y maraming Judio ang humihiwalay na sa kanila at sumasampalataya kay Jesus. Kinabukasan, nabalitaan ng maraming taong dumalo sa pista na si Jesus ay papunta sa Jerusalem. Kumuha sila ng mga palapa ng palmera, at lumabas sila sa lungsod upang siya'y salubungin. Sila'y sumisigaw, “Purihin ang Diyos. Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! Purihin ang Hari ng Israel!” Nakakita si Jesus ng isang batang asno at sinakyan niya ito, gaya ng nasusulat, “Huwag kang matakot, lungsod ng Zion! Masdan mo, dumarating ang iyong hari, nakasakay sa isang batang asno!” Hindi ito naunawaan noon ng kanyang mga alagad. Ngunit matapos na si Jesus ay maluwalhating nabuhay muli, naalala nilang ganoon nga ang sinasabi sa kasulatan tungkol sa kanya, kaya't gayon nga ang nangyari. Ang mga taong kasama ni Jesus noong tawagin niya si Lazaro mula sa libingan at muli niya itong binuhay ay nagpatotoo tungkol sa nangyari. At ito ang dahilan kaya siya sinalubong ng napakaraming tao—nabalitaan nila ang himalang ginawa niya. Kaya't nasabi ng mga Pariseo, “Nakikita ninyong walang nangyayari sa mga ginagawa natin. Tingnan ninyo, sumusunod sa kanya ang buong mundo!” May ilang Griegong dumalo sa pista upang sumamba. Lumapit sila kay Felipe na taga-Bethsaida sa Galilea, at nakiusap, “Ginoo, nais po naming makita si Jesus.” Ito'y sinabi ni Felipe kay Andres, at magkasama silang nagsabi nito kay Jesus. Sumagot si Jesus, “Dumating na ang oras upang luwalhatiin ang Anak ng Tao. Pakatandaan ninyo: hangga't hindi nahuhulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung ito'y mamatay, mamumunga ito nang sagana. Ang taong nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito, ngunit ang taong hindi nagpapahalaga sa kanyang buhay sa daigdig na ito ay siyang magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Ang naghahangad na maglingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at saanman ako naroroon ay naroroon din siya. Pararangalan ng Ama ang sinumang naglilingkod sa akin.” “Ako'y nababagabag ngayon. Sasabihin ko bang, ‘Ama, huwag mong hayaang sumapit sa akin ang oras na ito ng paghihirap’? Hindi! Sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako naparito—upang danasin ang oras na ito. Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” Isang tinig mula sa langit ang nagsabi, “Niluwalhati ko na ito, at muli kong luluwalhatiin.” Narinig iyon ng mga taong naroon kaya't sinabi nila, “Kumulog!” Sabi naman ng iba, “Nagsalita sa kanya ang isang anghel!” Sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang tinig na iyon ay ipinarinig para sa inyo at hindi para sa akin. Panahon na upang hatulan ang mundong ito. Panahon na rin upang hatulan ang pinuno ng mundong ito. At kung ako'y maitaas na, ilalapit ko sa aking sarili ang lahat ng tao.” Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paano siya mamamatay. Sinagot siya ng mga tao, “Sinasabi sa amin ng Kautusan na ang Cristo ay mananatili magpakailanman. Bakit mo sinasabing dapat maitaas ang Anak ng Tao? Sino ba ang Anak ng Taong ito?” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kaunting panahon na lamang ninyong makakasama ang ilaw. Lumakad kayo habang kasama pa ninyo ang ilaw upang hindi kayo abutan ng dilim. Hindi alam ng lumalakad sa dilim kung saan siya pupunta. Sumampalataya kayo sa ilaw habang kasama pa ninyo ang ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng liwanag.” Pagkasabi nito, si Jesus ay umalis doon at hindi na muling nagpakita sa kanila. Kahit na nasaksihan nila ang maraming himalang ginawa niya, hindi pa rin sila naniwala sa kanya. Nangyari ito upang matupad ang sinabi ni Propeta Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming ibinalita? Kanino ipinakita ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan?” Hindi nga sila makapaniwala sapagkat tulad ng sinabi ni Isaias, “Binulag ng Diyos ang kanilang mga mata at pinatigas ang kanilang mga puso, upang sila'y hindi makakita, ni makaunawa ang kanilang mga isip, baka pa sila'y manumbalik sa akin at sila'y pagalingin ko.” Sinabi ito ni Isaias sapagkat nakita niya ang kaluwalhatian ni Jesus, at nagpahayag siya tungkol kay Jesus. Gayunman, marami ring pinuno ng mga Judio ang naniwala sa kanya. Subalit hindi nila maipahayag ito dahil sa takot sa mga Pariseo, na baka sila'y itiwalag sa sinagoga. Mas ginusto nilang parangalan sila ng tao kaysa parangalan ng Diyos. Malakas na sinabi ni Jesus, “Ang nananalig sa akin ay hindi lamang sa akin nananalig, kundi pati sa nagsugo sa akin. At ang nakakita sa akin ay nakakita na rin sa nagsugo sa akin. Ako'y naparito bilang ilaw ng sanlibutan, upang ang manalig sa akin ay huwag manatili sa kadiliman. Hindi ako ang humahatol sa taong dumirinig ng aking salita, ngunit ayaw namang sumunod dito. Sapagkat hindi ako naparito upang hatulan ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito. May ibang hahatol sa mga ayaw tumanggap sa akin at sa aking mga salita. Ang salitang ipinahayag ko ang hahatol sa kanila sa huling araw. Sapagkat hindi ako nagsalita nang mula sa sarili ko lamang; ang Ama na nagsugo sa akin ang siyang nag-utos kung ano ang aking sasabihin at ipahahayag. At alam kong ang kanyang utos ay nagbibigay ng buhay na walang hanggan. Kaya't ang ipinapasabi ng Ama ang siya kong ipinapahayag.” Bisperas na noon ng Paskwa. Alam ni Jesus na dumating na ang takdang oras ng kanyang pag-alis sa daigdig na ito upang bumalik sa Ama. Mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa daigdig, at sila'y minahal niya hanggang sa wakas. Pagsapit ng hapunan, inilagay na ng diyablo sa isip ni Judas, na anak ni Simon Iscariote, na ipagkanulo niya si Jesus. Alam ni Jesus na ibinigay na ng Ama sa kanya ang buong kapangyarihan; at alam niyang siya'y mula sa Diyos at babalik sa Diyos. Kaya't siya'y tumayo mula sa hapag, nag-alis ng panlabas na balabal at nagbigkis ng tuwalya sa baywang. Pagkatapos, naglagay siya ng tubig sa palanggana at sinimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanyang baywang. Paglapit niya kay Simon Pedro, sinabi nito sa kanya, “Panginoon, huhugasan n'yo ba ang aking mga paa?” Sumagot si Jesus, “Hindi mo nauunawaan ngayon ang ginagawa ko, ngunit mauunawaan mo rin pagkatapos.” Muling nagsalita si Pedro, “Hinding-hindi ninyo huhugasan ang aking mga paa!” Ngunit sinabi ni Jesus, “Kung hindi kita huhugasan, wala kang kaugnayan sa akin.” Dahil dito'y sinabi ni Simon Pedro, “Kung gayon, hindi lamang ang mga paa ko, kundi pati na rin ang aking mga kamay at ulo!” Sumagot si Jesus, “Ang nakapaligo na ay hindi na kailangang hugasan pa [maliban sa kanyang mga paa], sapagkat malinis na ang buo niyang katawan. At kayo'y malinis na, subalit hindi lahat kayo.” Dahil alam na ni Jesus kung sino ang magkakanulo sa kanya kaya sinabi niyang malinis na sila, subalit hindi lahat. Nang mahugasan na ni Jesus ang kanilang mga paa, muli niyang isinuot ang kanyang balabal at nagbalik sa kinaupuan niya. Sinabi niya sa kanila, “Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ganoon nga ako. Kung ako ngang Panginoon at Guro ninyo ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din ninyong hugasan ang mga paa ng isa't isa. Binigyan ko kayo ng halimbawa upang inyong tularan. Pakatandaan ninyo, ang alipin ay hindi nakakahigit sa kanyang panginoon, ni ang sinugo kaysa sa nagsugo sa kanya. Ngayong alam na ninyo ito, pinagpala kayo kung ito'y gagawin ninyo. “Hindi kayong lahat ang tinutukoy ko; kilala ko ang aking mga pinili. Ngunit dapat matupad ang sinasabi sa kasulatan, ‘Ako'y pinagtaksilan ng taong pinapakain ko ng tinapay.’ Sinasabi ko ito sa inyo bago pa mangyari upang kapag ito'y nangyari na, sasampalataya kayo na ‘Ako'y Ako Nga’. Pakatandaan ninyo, ang tumatanggap sa sinugo ko ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap naman sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.” Pagkasabi nito, si Jesus ay labis na nabagabag at nagpahayag sa kanila, “Tandaan ninyo: ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” Nagtinginan ang mga alagad sapagkat hindi nila alam kung sino ang kanyang tinutukoy. Katabi noon ni Jesus ang alagad na minamahal niya, kaya't sinenyasan siya ni Simon Pedro at sinabihan, “Itanong mo nga kung sino ang tinutukoy niya.” Humilig ang alagad na ito sa dibdib ni Jesus at nagtanong, “Panginoon, sino po ba iyon?” “Siya ang taong aabután ko ng tinapay na aking isinawsaw,” sagot ni Jesus. Nagsawsaw nga siya ng tinapay at ibinigay iyon kay Judas na anak ni Simon Iscariote. Nang matanggap ni Judas ang tinapay, pumasok sa kanya si Satanas. Sinabi ni Jesus kay Judas, “Gawin mo kaagad ang dapat mong gawin.” Walang sinuman sa mga kasalo ni Jesus ang nakaunawa kung bakit niya sinabi iyon. Dahil si Judas ang may hawak ng kanilang salapi, akala nila'y pinapabili siya ni Jesus ng kakailanganin nila sa pagdiriwang, o kaya'y pinapabigyan niya ng limos ang mga dukha. Pagkatanggap ni Judas ng tinapay, kaagad siyang umalis. Gabi na noon. Pagkaalis ni Judas ay sinabi ni Jesus, “Ngayo'y luluwalhatiin na ang Anak ng Tao, at sa pamamagitan niya ay luluwalhatiin ang Diyos. [At kapag niluwalhati na ang Diyos sa pamamagitan ng Anak ng Tao], ang Diyos naman ang luluwalhati sa Anak, at ito'y gagawin niya agad. Mga anak, kaunting panahon na lamang ninyo akong makakasama. Hahanapin ninyo ako, ngunit sinasabi ko sa inyo ngayon ang sinabi ko noon sa mga Judio, ‘Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.’ “Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo ngayon: magmahalan kayo! Kung paano ko kayo minahal, gayundin naman, magmahalan kayo. Kung kayo'y may pagmamahal sa isa't isa, makikilala ng lahat na kayo'y mga alagad ko.” “Saan po kayo pupunta, Panginoon?” tanong ni Simon Pedro. Sumagot si Jesus, “Sa pupuntahan ko'y hindi ka makakasunod ngayon, ngunit susunod ka pagkatapos.” Sumagot si Pedro, “Bakit po hindi ako makakasunod sa inyo ngayon? Buhay ko ma'y iaalay ko para sa inyo.” Sumagot si Jesus, “Iaalay mo ang iyong buhay para sa akin? Tandaan mo: bago tumilaok ang manok, tatlong beses mo akong ikakaila.” “Huwag mabagabag ang inyong kalooban; sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin ko ba sa inyong pupunta ako roon upang ipaghanda ko kayo ng inyong matitirhan? At kapag naipaghanda ko na kayo ng matitirhan, ako'y babalik at isasama ko kayo upang kayo'y makapiling ko kung saan ako naroroon. At alam na ninyo ang daan patungo sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?” Sumagot si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko. Kung ako'y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyo nang nakita.” Sinabi sa kanya ni Felipe, “Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama at masisiyahan na kami.” Sumagot si Jesus, “Kay tagal na ninyo akong kasama, hanggang ngayo'y hindi mo pa ako kilala, Felipe? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? Hindi ka ba naniniwalang ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Hindi sa akin galing ang sinasabi ko sa inyo. Ngunit ang Ama na nananatili sa akin ang siyang gumaganap ng kanyang gawain. Maniwala kayo sa akin; ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga ginagawa ko. Pakatandaan ninyo: ang nananalig sa akin ay makakagawa ng mga ginagawa ko, at higit pa kaysa rito, sapagkat babalik na ako sa Ama. At anumang hilingin ninyo sa pangalan ko ay gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa pamamagitan ng Anak. Kung hihiling kayo ng anuman sa pangalan ko, ito ay aking gagawin.” “Kung iniibig ninyo ako, tutuparin ninyo ang aking mga utos. Dadalangin ako sa Ama, upang kayo'y bigyan niya ng isa pang Patnubay na magiging kasama ninyo magpakailanman. Siya ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat siya ay hindi nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. Ngunit nakikilala ninyo siya, sapagkat siya'y nasa inyo at siya'y mananatili sa inyo. “Hindi ko kayo iiwang mga ulila; babalik ako sa inyo. Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutang ito. Ngunit ako'y makikita ninyo; sapagkat buháy ako, mabubuhay rin kayo. Sa araw na iyon ay malalaman ninyong ako'y nasa Ama, at kayo nama'y nasa akin at ako'y nasa inyo. “Ang tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad sa mga ito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya at ako'y lubusang magpapakilala sa kanya.” Tinanong siya ni Judas (hindi si Judas Iscariote), “Panginoon, bakit po sa amin lamang kayo magpapakilala nang lubusan at hindi sa sanlibutan?” Sumagot si Jesus, “Ang umiibig sa akin ay tumutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami'y pupunta at mananahan sa kanya. Ang hindi tumutupad sa aking mga salita ay hindi umiibig sa akin. Ang salitang narinig ninyo ay hindi sa akin, kundi sa Ama na nagsugo sa akin. “Sinabi ko na sa inyo ang mga bagay na ito habang kasama pa ninyo ako. Ngunit ang Patnubay, ang Espiritu Santo na isusugo ng Ama sa pangalan ko, ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalala ng lahat ng sinabi ko sa inyo. “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag mabagabag ang inyong kalooban at huwag kayong matakot. Sinabi ko na sa inyo, ‘Ako'y aalis, ngunit ako'y babalik.’ Kung iniibig ninyo ako, ikagagalak ninyo ang pagpunta ko sa Ama, sapagkat higit na dakila ang Ama kaysa sa akin. Sinasabi ko na ito sa inyo bago pa mangyari, upang kung mangyari na ay sumampalataya kayo sa akin. Hindi na magtatagal ang pakikipag-usap ko sa inyo dahil dumarating na ang pinuno ng sanlibutang ito. Wala siyang kapangyarihan sa akin, subalit ginagawa ko ang iniutos sa akin ng Ama upang malaman ng sanlibutang ito na iniibig ko ang Ama. Tayo na! Lumakad na tayo!” “Ako ang tunay na puno ng ubas at ang aking Ama ang tagapag-alaga. Inaalis niya ang bawat sangang hindi nagbubunga, at kanya namang pinuputulan at nililinis ang bawat sangang nagbubunga upang magbunga pa nang lalong sagana. Nalinis na kayo sa pamamagitan ng salitang sinabi ko sa inyo. Manatili kayo sa akin at mananatili din ako sa inyo. Hindi magbubunga ang sangang hindi nananatili sa puno. Gayundin naman, hindi kayo magbubunga kung hindi kayo mananatili sa akin. “Ako ang puno ng ubas at kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang nagbubunga nang sagana, sapagkat wala kayong magagawa kung kayo'y hiwalay sa akin. Ang hindi nananatili sa akin, gaya ng sanga ay itinatapon at natutuyo. Ang ganoong mga sanga ay tinitipon, inihahagis sa apoy at nasusunog. Kung nananatili kayo sa akin at nananatili sa inyo ang aking mga salita, hingin ninyo ang anumang nais ninyo at matutupad iyon para sa inyo. Napaparangalan ang aking Ama kung kayo'y masaganang nagbubunga at sa gayon kayo'y magiging mga alagad ko. Kung paanong inibig ako ng Ama, gayundin naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig, kung paanong tinupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig. “Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang mapasainyo ang kagalakan ko at nang sa gayon ay malubos ang inyong kagalakan. Ito ang aking utos: magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo. Ang pinakadakilang pag-ibig na maaaring taglayin ng sinuman para sa kanyang mga kaibigan ay ang ialay ang kanyang buhay para sa kanila. Kayo'y mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang aking mga utos. Hindi ko na kayo itinuturing na mga alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip, itinuring ko kayong mga kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama. Hindi kayo ang pumili sa akin, ako ang pumili sa inyo. Hinirang ko kayo upang kayo'y humayo at magbunga at manatili ang inyong bunga. Sa gayon, ang anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan, ay ibibigay sa inyo. Ito nga ang utos ko sa inyo: magmahalan kayo.” “Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, alalahanin ninyong ako muna ang kinapootan nito bago kayo. Kung kayo'y taga-sanlibutan, kayo'y mamahalin nito bilang kanya. Ngunit hindi kayo taga-sanlibutan, kundi pinili ko kayo mula rito, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan. Alalahanin ninyo ang sinabi kong ito: walang aliping higit kaysa kanyang panginoon. Kung ako'y inusig nila, uusigin din nila kayo. Kung sinunod nila ang aking sinabi, susundin rin nila ang inyong sasabihin. Subalit ang lahat ng ito'y gagawin nila sa inyo dahil sa akin, sapagkat hindi nila kilala ang nagsugo sa akin. Kung hindi ako naparito at nagsalita sa kanila, hindi sana mapapatunayang nagkasala sila. Ngunit ngayo'y wala na silang maidadahilan sa kanilang kasalanan. Ang napopoot sa akin ay napopoot din sa aking Ama. Kung hindi ko sana ginawa sa kanilang kalagitnaan ang mga gawaing hindi pa nagawa ninuman, wala sana silang kasalanan. Ngunit nakita na nila ang aking mga gawa subalit sa kabila nito'y kinapootan pa rin nila ako at ang aking Ama. Subalit nangyari ito upang matupad ang sinasabi sa kanilang Kautusan, ‘Napoot sila sa akin nang walang dahilan.’ “Ngunit pagdating ng Patnubay na susuguin ko mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na nagmumula sa Ama, siya ay magpapatotoo tungkol sa akin. At magpapatotoo rin kayo tungkol sa akin, sapagkat kasama na ninyo ako buhat pa sa simula. “Sinabi ko ito sa inyo upang huwag ninyong talikuran ang inyong pananalig sa akin. Ititiwalag kayo sa mga sinagoga. Darating ang panahon na ang sinumang pumatay sa inyo ay mag-aakalang naglilingkod siya sa Diyos. At gagawin nila ito sapagkat hindi nila ako kilala, ni ang Ama. Subalit sinabi ko na ito sa inyo upang kapag dumating na ang oras na gagawin na nila ang mga ito, maaalala ninyo ang sinabi ko sa inyo tungkol sa kanila.” “Hindi ko ito sinabi sa inyo noong una sapagkat kasama pa ninyo ako. Ngunit ngayo'y pupunta na ako sa nagsugo sa akin at wala ni isa man sa inyo ang nagtatanong kung saan ako pupunta. Ngayon sinabi ko na sa inyo, lubha naman kayong nalungkot. Subalit sinasabi ko sa inyo ang katotohanan. Ang pag-alis ko'y sa ikabubuti ninyo, sapagkat hindi paparito sa inyo ang Patnubay kung hindi ako aalis. Ngunit pag-alis ko, isusugo ko siya sa inyo. Pagdating niya ay kanyang patutunayan na mali ang mga taga-sanlibutan tungkol sa kasalanan, tungkol sa katuwiran at tungkol sa paghatol ng Diyos. Patutunayan niya ang tungkol sa kanilang kasalanan sapagkat hindi sila naniwala sa akin. Patutunayan niya ang tungkol sa katuwiran sapagkat ako'y pupunta sa Ama at hindi na ninyo makikita; at ang tungkol sa paghatol ng Diyos, sapagkat hinatulan na ang pinuno ng sanlibutang ito. “Marami pa akong sasabihin sa inyo subalit hindi pa ninyo kayang tanggapin sa ngayon. Ngunit pagdating ng Espiritu ng katotohanan, papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan. Sapagkat ang sasabihin niya ay hindi mula sa kanyang sarili, kundi ang kanyang narinig; at ipahahayag niya sa inyo ang mga mangyayari sa hinaharap. Pararangalan niya ako sapagkat tatanggapin ng Espiritu mula sa akin ang ipahahayag niya sa inyo. Ang lahat ng sa Ama ay sa akin, kaya ko sinabing tatanggapin ng Espiritu ang mula sa akin at ipahahayag niya ito sa inyo.” “Kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon, ako'y inyong makikitang muli.” Nag-usap-usap ang ilan sa kanyang mga alagad, “Ano kaya ang ibig niyang sabihin na kaunting panahon na lamang at hindi na natin siya makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon ay makikita natin siyang muli? Sinabi pa niya, ‘Sapagkat ako'y pupunta sa Ama.’ Ano kaya ang kahulugan ng, ‘kaunting panahon na lamang’? Hindi natin maunawaan ang kanyang sinasabi!” Alam ni Jesus na ibig nilang magtanong, kaya't sinabi niya, “Nagtatanungan kayo tungkol sa sinabi kong ‘kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon, ako'y makikita ninyong muli.’ Pakatandaan ninyo: iiyak kayo at tatangis, ngunit magagalak ang sanlibutan. Labis kayong malulungkot, subalit ang inyong kalungkutan ay mapapalitan ng kagalakan. “Kapag manganganak na ang isang babae, siya'y nalulungkot sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghihirap. Ngunit pagkapanganak niya, nakakalimutan na niya ang kanyang paghihirap; sapagkat nagagalak siya dahil sa pagsilang ng isang sanggol sa sanlibutan. “Gayundin naman, nalulungkot kayo ngayon, ngunit muli ko kayong makikita, at mag-uumapaw sa inyong puso ang kagalakang hindi maaagaw ninuman. Sa araw na iyon, hindi na ninyo kailangang humingi sa akin. Pakatandaan ninyo: anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo. Hanggang ngayo'y wala pa kayong hinihingi sa kanya sa aking pangalan. Humingi kayo, at kayo'y tatanggap upang malubos ang inyong kagalakan.” “Ang mga ito'y sinabi ko sa inyo nang patalinghaga. Subalit darating ang panahong hindi na ako magsasalita sa inyo sa ganitong paraan; tuwiran ko nang sasabihin sa inyo ang tungkol sa Ama. Sa araw na iyon ay hihingi kayo sa kanya sa aking pangalan, at hindi ko sinasabing ako mismo ang hihiling sa Ama para sa inyo. Mahal kayo ng Ama sapagkat ako'y minahal ninyo at naniwala kayo na ako'y nagmula sa Diyos. Ako nga'y nanggaling sa Ama at naparito sa sanlibutan; ngayo'y aalis na ako sa sanlibutan at babalik na sa Ama.” Sinabi ng kanyang mga alagad, “Ngayon po'y tuwiran na ang inyong pangungusap sa amin at hindi na patalinghaga! Ngayon alam na po naming alam ninyo ang lahat ng bagay, at hindi na kailangang tanungin pa kayo ninuman. Dahil dito, naniniwala po kami na kayo'y mula sa Diyos.” Sumagot si Jesus, “Talaga bang naniniwala na kayo? Darating ang oras, at ngayon na nga, na magkakawatak-watak kayo. Magkakanya-kanya kayo ng lakad, at iiwan ninyo ako. Gayunma'y hindi ako nag-iisa sapagkat kasama ko ang Ama. Sinabi ko ito sa inyo upang sa inyong pakikipag-isa sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Magdaranas kayo ng kapighatian sa sanlibutang ito, ngunit tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!” Pagkasabi ni Jesus ng mga ito, tumingala siya sa langit at kanyang sinabi, “Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak upang luwalhatiin ka niya. Sapagkat binigyan mo siya ng kapangyarihan sa lahat ng tao upang bigyan niya ng buhay na walang hanggan ang lahat ng ibinigay mo sa kanya. At ito ang buhay na walang hanggan: ang makilala ka nila na iisang tunay na Diyos, at si Jesu-Cristo na iyong isinugo. Inihayag ko dito sa lupa ang iyong kaluwalhatian; natapos ko na ang ipinapagawa mo sa akin. Kaya, Ama, ipagkaloob mo sa akin ngayon sa iyong harapan ang kaluwalhatiang taglay ko sa piling mo bago pa likhain ang sanlibutan. “Ipinahayag ko na kung sino ka sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila'y iyo at ibinigay mo sila sa akin, at tinupad nila ang iyong salita. Alam na nila na ang lahat ng ibinigay mo sa akin ay mula sa iyo; dahil ibinigay ko sa kanila ang mga salitang ibinigay mo sa akin, at tinanggap nila. Natitiyak nilang ako'y tunay na galing sa iyo, at naniniwala silang ikaw nga ang nagsugo sa akin. “Idinadalangin ko sila; hindi ang sanlibutang ito ang idinadalangin ko, kundi ang lahat ng ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y sa iyo. Ang lahat ng sa akin ay sa iyo, at ang lahat ng sa iyo ay sa akin; at naluluwalhati ako sa pamamagitan nila. At ngayon, ako'y papunta na sa iyo; iniiwan ko na ang sanlibutang ito, ngunit sila ay nasa sanlibutan pa. Amang banal, ingatan mo po sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, ang pangalang ibinigay mo sa akin, upang kung paanong ikaw at ako ay iisa, gayundin naman sila'y maging isa. Habang kasama nila ako, iningatan ko sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong pangalan, ang pangalang ibinigay mo sa akin. Pinangalagaan ko sila at walang napahamak sa kanila, maliban sa taong tiyak na mapapahamak, upang matupad ang kasulatan. Ngunit ngayon, ako'y papunta na sa iyo, at sinasabi ko ito habang ako'y nasa sanlibutan pa upang mapuspos sila ng aking kagalakan. Naibigay ko na sa kanila ang iyong salita, at kinapootan sila ng sanlibutan, sapagkat hindi na sila taga-sanlibutan, tulad ko na hindi taga-sanlibutan. Hindi ko idinadalanging kunin mo sila sa sanlibutan, kundi iligtas mo sila sa Masama! Hindi sila taga-sanlibutan, tulad ko na hindi rin taga-sanlibutan. Ibukod mo sila para sa iyo sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo ang katotohanan. Kung paanong isinugo mo ako sa sanlibutan, gayundin naman, isinusugo ko sila sa sanlibutan. At alang-alang sa kanila'y itinalaga ko ang aking sarili para sa iyo, upang maitalaga rin sila sa katotohanan. “Hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi pati ang mga mananalig sa akin dahil sa kanilang pahayag. Ama, maging isa nawa silang lahat. Kung paanong ikaw ay nasa akin at ako'y nasa iyo, gayundin naman, maging isa nawa sila sa atin upang ang sanlibutan ay maniwala na ikaw ang nagsugo sa akin. Ibinigay ko na sa kanila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin upang sila'y ganap na maging isa, tulad mo at ako na iisa: ako'y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang lubusan silang maging isa. Dahil dito, malalaman ng sanlibutan na isinugo mo ako at sila'y minamahal mo, katulad ng pagmamahal mo sa akin. “Ama, sila na ibinigay mo sa akin ay nais kong makasama sa kinaroroonan ko upang mapagmasdan nila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin, sapagkat minahal mo na ako bago pa nilikha ang daigdig. Makatarungang Ama, hindi ka kilala ng sanlibutan, ngunit kilala kita, at alam rin ng mga ibinigay mo sa akin na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinahayag ko na sa kanila kung sino ka, at patuloy ko itong ipapahayag, upang ang pagmamahal mo sa akin ay manatili sa kanila, at ako ay manatili rin sa kanila.” Pagkatapos ng panalanging ito, umalis si Jesus kasama ang kanyang mga alagad. Pumunta sila sa ibayo ng batis ng Kidron at pumasok sa isang halamanan doon. Alam ng taksil na si Judas ang lugar na iyon sapagkat doon madalas magpunta si Jesus at ang kanyang mga alagad. Isinama roon ni Judas ang ilang mga bantay sa Templo at isang pangkat ng mga kawal Romano na padala ng mga punong pari at mga Pariseo. May dala silang mga lampara, mga sulo at mga sandata. Alam ni Jesus ang lahat ng mangyayari sa kanya kaya't sila ay sinalubong niya at tinanong, “Sino ang hinahanap ninyo?” “Si Jesus na taga-Nazaret,” sagot nila. At sinabi niya, “Ako iyon.” Si Judas na nagkanulo sa kanya ay kaharap nila noon. Nang sabihin ni Jesus na “Ako iyon,” napaurong sila at bumagsak sa lupa. Muli niyang itinanong, “Sino ba ang hinahanap ninyo?” “Si Jesus na taga-Nazaret,” sagot nila. Sumagot si Jesus, “Sinabi ko na sa inyong ako iyon. Kung ako ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong umalis ang mga taong ito.” Sa gayon, natupad ang kanyang sinabi, “Ama, walang napahamak kahit isa sa mga ibinigay mo sa akin.” Binunot ni Simon Pedro ang kanyang tabak at tinaga ang alipin ng Pinakapunong Pari, at natagpas ang kanang tainga nito. Ang pangalan ng alipin ay Malco. Sinabi ni Jesus kay Pedro, “Ibalik mo sa lalagyan ang iyong tabak! Sa palagay mo ba'y hindi ko iinuman ang kopa ng pagdurusa na ibinigay sa akin ng Ama?” Dinakip nga si Jesus at iginapos ng mga bantay na Judio at ng mga kawal na Romano na pinamumunuan ng isang kapitan. Siya'y dinala muna kay Anas na biyenan ni Caifas, ang pinakapunong pari nang taong iyon. Si Caifas ang nagpayo sa mga pinuno ng mga Judio na makabubuti para sa kanila na isang tao lamang ang mamatay para sa bayan. Sumunod kay Jesus si Simon Pedro at ang isa pang alagad. Ang alagad na ito ay kilala ng pinakapunong pari kaya't nakapasok siyang kasama ni Jesus hanggang sa patyo ng bahay ng pinakapunong pari. Naiwan naman si Pedro sa labas ng pintuan, kaya lumabas ang alagad na kilala ng pinakapunong pari, kinausap ang utusang babae na nagbabantay sa pinto at pinapasok si Pedro. Si Pedro'y tinanong ng babae, “Hindi ba't isa ka sa mga alagad ng taong iyan?” “Hindi,” sagot ni Pedro. Maginaw noon, kaya't nagsiga ng uling ang mga utusan at ang mga bantay, at nag-umpukan sila sa paligid ng apoy upang magpainit. Nakihalo sa kanila si Pedro, tumayo roon at nagpainit din. Tinanong si Jesus ng Pinakapunong Pari tungkol sa kanyang mga alagad at sa kanyang itinuturo. Sumagot si Jesus, “Hayagan akong nagsasalita sa madla, at lagi akong nagtuturo sa mga sinagoga at sa Templo na pinagtitipunan ng mga Judio. Wala akong sinabi nang palihim. Bakit ako ang tinatanong ninyo? Ang tanungin ninyo'y ang mga nakarinig sa akin; alam nila kung ano ang sinabi ko.” Pagkasabi nito'y sinampal siya ng isa sa mga bantay na naroroon. “Ganyan ba ang pagsagot sa pinakapunong pari?” tanong niya. Sumagot si Jesus, “Kung may sinabi akong masama, patunayan mo! Ngunit kung tama ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?” Matapos ito, si Jesus na nakagapos pa noon ay ipinadala ni Anas kay Caifas, ang pinakapunong pari. Habang nagaganap ito, si Simon Pedro ay nakatayo at nagpapainit pa rin sa tabi ng apoy. Siya'y tinanong ng mga naroon, “Hindi ba't alagad ka rin ng taong iyan?” Ipinagkaila ito ni Pedro. “Hindi!” sagot niya. Tinanong naman siya ng isa sa mga utusan ng pinakapunong pari at kamag-anak ng lalaking natagpasan niya ng tainga, “Hindi ba nakita kitang kasama ni Jesus sa halamanan?” Muling ikinaila ito ni Pedro, at agad na tumilaok ang manok. Maaga pa nang dalhin si Jesus sa palasyo ng gobernador mula sa bahay ni Caifas. Hindi pumasok ang mga pinuno ng mga Judio sa palasyo upang sila'y huwag maituring na di karapat-dapat kumain ng hapunang pampaskwa. Kaya't si Pilato ay lumabas sa palasyo at tinanong sila, “Ano ang paratang ninyo laban sa taong ito?” Sila'y sumagot, “Hindi po namin siya dadalhin sa inyo kung hindi siya gumawa ng masama.” Sinabi sa kanila ni Pilato, “Kayo na ang bahala sa kanya at hatulan ninyo siya ayon sa inyong batas.” Subalit sumagot ang mga Judio, “Hindi ipinapahintulot sa aming humatol ng kamatayan kaninuman.” Sa gayon, natupad ang sinabi ni Jesus nang ipahiwatig niya kung sa anong paraan siya mamamatay. Si Pilato ay pumasok uli sa palasyo at ipinatawag si Jesus. “Ikaw ba ang Hari ng mga Judio?” tanong niya. Sumagot si Jesus, “Galing ba sa sarili mo ang tanong na iyan, o may ibang nagsabi sa iyo tungkol sa akin?” Tugon ni Pilato, “Sa tingin mo ba'y Judio ako? Ang mga kababayan mo at ang mga punong pari ang nagdala sa iyo rito. Ano ba ang ginawa mo?” Sumagot si Jesus, “Ang kaharian ko'y hindi sa sanlibutang ito. Kung sa sanlibutang ito ang aking kaharian, ipinaglaban sana ako ng aking mga tauhan upang hindi maipagkanulo sa mga Judio. Ngunit hindi mula sa sanlibutang ito ang aking kaharian!” “Kung ganoon, isa ka ngang hari?” sabi ni Pilato. Sumagot si Jesus, “Ikaw na ang nagsasabing ako'y hari. Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan, upang magpatotoo tungkol sa katotohanan. Nakikinig sa aking tinig ang sinumang nasa katotohanan.” “Ano ba ang katotohanan?” tanong ni Pilato. Pagkasabi nito, muling lumabas si Pilato at sinabi sa mga Judio, “Wala akong nakikitang dahilan upang hatulan siya. Ngunit ayon sa inyong kaugalian, dapat akong magpalaya ng isang bilanggo sa Pista ng Paskwa. Ibig ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” “Hindi!” sigaw nila. “Hindi siya, kundi si Barabbas!” Si Barabbas ay isang tulisan. Kaya't ipinakuha ni Pilato si Jesus at ipinahagupit. Ang mga kawal ay kumuha ng halamang matinik, ginawa itong korona at ipinutong kay Jesus. Siya rin ay sinuotan nila ng balabal na kulay ube. Lumapit sila sa kanya at sinabi, “Mabuhay ang Hari ng mga Judio!” At kanilang pinagsasampal si Jesus. Lumabas muli si Pilato at sinabi sa mga tao, “Ihaharap ko siya sa inyo upang malaman ninyo na wala akong nakikitang dahilan upang hatulan siya!” At lumabas si Jesus na may koronang tinik at balabal na kulay ube. Sinabi sa kanila ni Pilato, “Pagmasdan ninyo ang taong ito!” Pagkakita sa kanya ng mga punong pari at ng mga bantay, sila'y nagsigawan, “Ipako siya sa krus! Ipako sa krus!” Sinabi ni Pilato, “Kayo ang bahala sa kanya at magpako sa kanya sa krus, dahil wala akong nakikitang dahilan upang hatulan siya.” Sumagot ang mga Judio, “Mayroon kaming batas at ayon dito ay nararapat siyang mamatay, sapagkat sinasabi niyang siya'y Anak ng Diyos.” Nang marinig ni Pilato ang sinabi nila, lalo siyang natakot. Muli siyang pumasok sa palasyo at tinanong si Jesus, “Tagasaan ka ba?” Subalit hindi tumugon si Jesus. Muling nagtanong si Pilato, “Ayaw mong magsalita sa akin? Hindi mo ba alam na may kapangyarihan akong palayain ka o ipapako sa krus?” Sumagot si Jesus, “Hindi ka magkakaroon ng kapangyarihan sa akin kung hindi iyan ibinigay sa iyo mula sa langit, kaya't mas mabigat ang kasalanan ng nagdala sa akin dito sa harapan mo.” Nang marinig ito ni Pilato, naghanap siya ng paraan upang palayain si Jesus. Ngunit nagsigawan ang mga Judio, “Kapag pinalaya mo ang taong iyan, hindi ka kaibigan ng Emperador! Ang sinumang nagsasabing siya'y hari ay kalaban ng Emperador.” Pagkarinig ni Pilato sa mga salitang ito, inilabas niya si Jesus at siya'y umupo sa upuan ng hukom na nasa dakong tinatawag na “Plataporma,” Gabatha sa wikang Hebreo. Araw noon ng Paghahanda sa Paskwa, at mag-aalas-dose na ng tanghali. Sinabi ni Pilato sa mga Judio, “Narito ang inyong hari!” Sumigaw sila, “Patayin siya! Patayin! Ipako sa krus!” “Ipapako ko ba sa krus ang inyong hari?” tanong naman ni Pilato. Sumagot ang mga punong pari, “Wala kaming hari kundi ang Emperador!” Kaya't ibinigay sa kanila ni Pilato si Jesus upang siya'y ipako sa krus. Kinuha nga nila si Jesus. Inilabas siyang pasan ang kanyang krus papunta sa lugar na kung tawagi'y “Dako ng Bungo,” Golgotha sa wikang Hebreo. Doon ay ipinako siya sa krus, kasama ng dalawa pa; isa sa gawing kanan at isa sa kaliwa. Gumawa si Pilato ng isang karatula at inilagay sa krus; ganito ang nakasulat: “Si Jesus na taga-Nazaret, ang Hari ng mga Judio.” Nakasulat ito sa mga wikang Hebreo, Latin, at Griego. Marami sa mga Judio ang nakabasa nito sapagkat malapit lamang sa lungsod ang dakong pinagpakuan kay Jesus. Kaya't sinabi ng mga punong pari kay Pilato, “Huwag ninyong isulat ang, ‘Ang Hari ng mga Judio’, kundi, ‘Sinabi ng taong ito, Ako ang Hari ng mga Judio.’” Ngunit sumagot si Pilato, “Ang naisulat ko'y naisulat ko na.” Nang si Jesus ay maipako na ng mga kawal, kinuha nila ang kanyang kasuotan at pinaghati-hati sa apat na bahagi, isa sa bawat kawal. Kinuha rin nila ang kanyang mahabang panloob na kasuotan; ito'y walang tahi at hinabi nang buo mula sa itaas hanggang sa ibaba. Kaya't nag-usap-usap ang mga kawal, “Huwag nating punitin ito; magpalabunutan tayo para malaman kung kanino ito mapupunta.” Sa gayon, natupad ang isinasaad ng Kasulatan, “Pinaghati-hatian nila ang aking kasuotan; at para sa aking damit sila'y nagpalabunutan.” Ganoon nga ang ginawa ng mga kawal. Nakatayo sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid nitong babae, si Maria na asawa ni Cleopas, at si Maria Magdalena. Nang makita ni Jesus ang kanyang ina at ang minamahal niyang alagad na nasa tabi nito, sinabi niya, “Ginang, narito ang iyong anak!” At sinabi niya sa alagad, “Narito ang iyong ina!” Mula noon, pinatira ng alagad na ito sa kanyang bahay ang ina ni Jesus. Alam ni Jesus na naganap na ang lahat ng bagay. Kaya't upang matupad ang kasulatan ay sinabi niya, “Nauuhaw ako!” May isang mangkok doon na puno ng maasim na alak. Inilubog nila rito ang isang espongha, ikinabit iyon sa isang tangkay ng hisopo at inilapit sa kanyang bibig. Pagkatanggap ni Jesus ng alak, sinabi niya, “Naganap na!” Iniyuko niya ang kanyang ulo at nalagot ang kanyang hininga. Noo'y Araw ng Paghahanda, at ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay hanggang sa Araw ng Pamamahinga, dahil natatangi ang Araw na iyon ng Pamamahinga. Kaya't hiniling nila kay Pilato na ipabali ang mga binti ng mga ipinako sa krus at alisin ang mga bangkay. Pumunta nga roon ang mga kawal at binali ang mga binti ng dalawang ipinakong kasama ni Jesus. Ngunit pagdating nila kay Jesus at makitang patay na siya, hindi na nila binali ang kanyang mga binti. Subalit sinaksak ng isang kawal ang tagiliran ni Jesus sa pamamagitan ng sibat at agad lumabas doon ang dugo at tubig. Ang nakakita nito ang nagpatotoo upang kayo rin ay maniwala. Totoo ang kanyang pahayag at alam niyang katotohanan ang sinasabi niya. Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinasabi sa kasulatan, “Walang mababali isa man sa kanyang mga buto.” At may bahagi pa rin ng kasulatan na nagsasabi, “Pagmamasdan nila ang kanilang sinaksak ng sibat.” Pagkatapos nito, si Jose na taga-Arimatea ay nagsadya kay Pilato upang humingi ng pahintulot na makuha ang bangkay ni Jesus. (Dati ay inilihim ni Jose na siya'y isang alagad ni Jesus dahil sa takot niya sa mga pinuno ng mga Judio.) Pinahintulutan naman siya ni Pilato, kaya't kinuha niya ang bangkay ni Jesus. Kasama rin niya si Nicodemo na noong una ay sa gabi nagsadya kay Jesus. May dala itong pabango, mga tatlumpung kilong pinaghalong mira at aloe. Kinuha nila ang bangkay ni Jesus at nilagyan ng pabango at binalot sa telang lino, ayon sa kaugalian ng mga Judio. Malapit sa pinagpakuan kay Jesus ay may isang halamanan, at dito'y may isang bagong libingang hindi pa napaglilibingan. Dahil noon ay bisperas ng Araw ng Pamamahinga, at dahil malapit ang libingang ito, doon nila inilibing si Jesus. Madilim-dilim pa nang unang araw ng sanlinggo, pumunta si Maria Magdalena sa libingan. Naratnan niyang naalis na ang batong nakatakip sa libingan. Dahil dito, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa alagad na mahal ni Jesus, at sinabi sa kanila, “Kinuha nila ang Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan siya inilagay!” Sina Pedro at ang nasabing alagad ay nagpunta sa libingan. Kapwa sila tumakbo ngunit si Pedro'y naunahan noong isa. Yumuko ito at sumilip sa loob ng libingan ngunit hindi pumasok. Nakita niyang nakalagay doon ang mga telang lino. Nang dumating si Simon Pedro, tuluy-tuloy itong pumasok sa libingan at nakita nito ang mga telang lino, at ang panyong ibinalot sa ulo ni Jesus. Ang panyo ay hindi kasama ng mga telang lino, kundi hiwalay na nakatiklop sa isang tabi. Pumasok din ang alagad na naunang dumating at nakita niya ito, at siya'y naniwala. Hindi pa nila nauunawaan noon na si Jesus ay kailangang muling mabuhay ayon sa kasulatan. At umuwi ang mga alagad sa kanilang mga tahanan. Si Maria ay nakatayong umiiyak sa labas ng libingan. Habang umiiyak ay yumuko siya at sumilip sa loob. May nakita siyang dalawang anghel na nakadamit ng puti at nakaupo sa pinaglagyan ng bangkay ni Jesus, ang isa'y sa gawing ulunan at ang isa nama'y sa paanan. Tinanong nila si Maria, “Babae, bakit ka umiiyak?” Sumagot siya, “Kinuha nila ang aking Panginoon at hindi ko alam kung saan siya inilagay.” Pagkasabi nito'y napalingon siya at nakita niya si Jesus na nakatayo roon, ngunit hindi niya nakilalang si Jesus iyon. Tinanong siya ni Jesus, “Babae, bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?” Akala ni Maria, ang kausap niya'y ang hardinero kaya't sinabi niya, “Ginoo, kung kayo po ang kumuha sa kanya, pakituro nga po ninyo sa akin kung saan ninyo siya inilagay at kukunin ko.” “Maria!” sabi ni Jesus. Humarap siya at kanyang sinabi sa wikang Hebreo, “Raboni!” na ang ibig sabihi'y “Guro.” Sabi ni Jesus, “Huwag mo akong hawakan sapagkat hindi pa ako nakakapunta sa Ama. Sa halip, pumunta ka sa aking mga kapatid at sabihin mo sa kanila na aakyat ako sa aking Ama at inyong Ama, sa aking Diyos at inyong Diyos.” Kaya't si Maria Magdalena ay pumunta sa mga alagad at ibinalita sa kanila, “Nakita ko ang Panginoon!” At sinabi rin niya sa kanila ang mga sinabi sa kanya ni Jesus. Kinagabihan ng araw ding iyon na unang araw ng linggo, habang nakasara ang mga pinto ng bahay na kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot nila sa mga Judio, dumating si Jesus. Tumayo siya sa kalagitnaan nila at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan!” Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita nila ang Panginoon. Muling sinabi ni Jesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong isinugo ako ng Ama, isinusugo ko rin kayo.” Pagkatapos, sila'y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. Kung patatawarin ninyo ang mga kasalanan ninuman ay pinatawad na ang mga iyon, subalit ang hindi ninyo patatawarin ay hindi nga pinatawad.” Ngunit si Tomas, na tinatawag na Kambal at kabilang sa Labindalawa, ay wala roon nang dumating si Jesus. Kaya't sinabi sa kanya ng ibang mga alagad, “Nakita namin ang Panginoon!” Sumagot si Tomas, “Hindi ako maniniwala hangga't hindi ko nakikita ang mga butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at hangga't hindi ko nailalagay ang aking daliri sa mga iyon at nahahawakan ang kanyang tagiliran.” Makalipas ang isang linggo, muling nagkatipon sa loob ng bahay ang mga alagad at kasama nila si Tomas. Nakasara ang mga pinto, ngunit pumasok si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila. Sinabi niya, “Sumainyo ang kapayapaan!” At sinabi niya kay Tomas, “Ilagay mo ang iyong daliri dito at tingnan mo ang aking mga kamay. Ilagay mo ang iyong kamay sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan pa, sa halip ay maniwala ka.” Sumagot si Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Naniniwala ka na ba dahil nakita mo ako? Pinagpala silang hindi nakakita gayunma'y naniniwala.” Marami pang mga himalang ginawa si Jesus na nasaksihan ng mga alagad na hindi nakasulat sa aklat na ito. Ngunit ang mga nakasulat dito ay isinulat upang kayo'y sumampalataya na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at sa pagsampalatayang iyon ay magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya. Pagkatapos nito, muling nagpakita si Jesus sa mga alagad sa tabi ng Lawa ng Tiberias. Ganito ang nangyari: magkakasama sina Simon Pedro, Tomas na tinatawag na Kambal, Nathanael na taga-Cana sa Galilea, ang mga anak ni Zebedeo, at dalawa pang alagad. Sinabi sa kanila ni Simon Pedro, “Mangingisda ako.” “Sasama kami,” sabi nila. Umalis nga sila at sumakay sa isang bangka. Magdamag silang nangisda, subalit wala silang nahuli. Nang mag-uumaga na, tumayo si Jesus sa pampang ngunit siya'y hindi nila nakilala. Sinabi niya, “Mga anak, mayroon ba kayong huli?” “Wala po,” sagot nila. “Ihulog ninyo ang lambat sa gawing kanan ng bangka at makakahuli kayo,” sabi ni Jesus. Inihulog nga nila ang lambat at nang hilahin nila ito ay hindi nila makaya sa dami ng huli. Sinabi kay Pedro ng alagad na minamahal ni Jesus, “Ang Panginoon iyon!” Nang marinig ni Simon Pedro na ang Panginoon iyon, nagsuot siya ng damit dahil nakahubad siya noon at saka lumusong sa tubig. Dumating sa pampang ang kasama niyang mga alagad, sakay ng bangka at hila-hila ang lambat na puno ng isda. Hindi sila gaanong malayo sa pampang, mga siyamnapung metro lamang. Pagkaahon nila sa pampang, nakakita sila roon ng isdang iniihaw sa nagbabagang uling, at ilang tinapay. “Magdala kayo rito ng ilang isdang nahuli ninyo,” sabi ni Jesus. Kaya't sumampa sa bangka si Simon Pedro at hinila sa pampang ang lambat na puno ng malalaking isda; isandaan at limampu't tatlo lahat ang nahuli nila. Hindi nasira ang lambat, kahit ganoon karami ang mga isda. “Halikayo at mag-agahan kayo,” sabi ni Jesus. Isa man sa mga alagad ay hindi nangahas magtanong sa kanya kung sino siya sapagkat alam nila na siya ang Panginoon. Lumapit si Jesus, kinuha ang tinapay at ibinigay sa kanila. Ganoon din ang kanyang ginawa sa isda. Ito ang ikatlong pagpapakita ni Jesus sa mga alagad pagkatapos na siya'y muling mabuhay. Pagkakain nila, tinanong ni Jesus si Simon Pedro, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako nang higit sa mga ito?” “Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo,” tugon niya. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung gayon pakainin mo ang aking mga batang tupa.” Muli siyang tinanong ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Sumagot si Pedro, “Opo, Panginoon, alam ninyong mahal ko kayo.” Sabi ni Jesus, “Alagaan mo ang aking mga tupa.” Pangatlong ulit na tinanong siya ni Jesus, “Simon, anak ni Juan, mahal mo ba ako?” Nalungkot si Pedro sapagkat tatlong beses siyang tinanong ng, “Mahal mo ba ako?” At sumagot siya, “Panginoon, alam po ninyo ang lahat ng bagay; alam ninyong mahal ko kayo.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Pakainin mo ang aking mga tupa. Pakatandaan mo: noong bata ka pa, ikaw ang nagbibihis sa iyong sarili at pumupunta ka kung saan mo gusto. Ngunit pagtanda mo, iuunat mo ang iyong mga kamay at iba ang magbibihis sa iyo at dadalhin ka kung saan hindi mo gusto.” Sinabi niya ito upang ipahiwatig kung paano mamamatay si Pedro at kung paano niya luluwalhatiin ang Diyos. Pagkatapos, sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin!” Lumingon si Pedro at nakita niyang sumusunod ang alagad na minamahal ni Jesus, ang siyang humilig sa dibdib ni Jesus nang sila'y naghahapunan at nagtanong, “Panginoon, sino po ang magkakanulo sa inyo?” Nang makita siya ni Pedro ay tinanong nito si Jesus, “Panginoon, paano po naman ang taong ito?” Sumagot si Jesus, “Kung nais kong mabuhay siya hanggang sa pagbabalik ko, ano sa iyo? Sumunod ka sa akin!” Kumalat sa mga kapatid sa pananampalataya ang balitang hindi mamamatay ang alagad na ito. Ngunit hindi naman sinabi ni Jesus na hindi siya mamamatay, kundi, “Kung nais kong mabuhay siya hanggang sa pagbabalik ko, [ano sa iyo]? ” Siya ang alagad na nagpapatotoo tungkol sa mga bagay na ito; siya rin ang sumulat ng mga ito at alam naming totoo ang kanyang pahayag. At marami pang ginawa si Jesus na kung isusulat lahat, sa palagay ko'y hindi magkakasya kahit sa buong daigdig ang mga aklat na maisusulat. Mahal kong Teofilo, Sa aking unang aklat ay isinalaysay ko ang lahat ng ginawa at itinuro ni Jesus buhat sa pasimula hanggang sa araw na siya'y umakyat sa langit. Bago siya umakyat, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo ay nag-iwan siya ng mga bilin sa kanyang mga apostol na kanyang hinirang. Sa loob ng apatnapung araw pagkatapos ng kanyang pagkamatay, nagpakita siya sa kanila at sa pamamagitan ng maraming katibayan ay pinatunayan niyang siya'y buháy. Nagturo siya sa kanila tungkol sa paghahari ng Diyos. Samantalang siya'y kasama pa nila, pinagbilinan sila ni Jesus, “Huwag muna kayong aalis sa Jerusalem. Sa halip, hintayin ninyo roon ang ipinangako ng Ama na sinabi ko na sa inyo. Si Juan ay nagbautismo sa tubig, ngunit di magtatagal at babautismuhan kayo sa Espiritu Santo.” Nang magkatipon si Jesus at ang mga alagad, nagtanong sila kay Jesus, “Panginoon, itatatag na po ba ninyong muli ang kaharian ng Israel?” Sumagot si Jesus, “Ang mga panahon at pagkakataon ay itinakda ng Ama sa kanyang sariling kapangyarihan, at hindi na kailangan pang malaman ninyo kung kailan iyon. Subalit tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo'y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at sa Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.” Pagkasabi nito, si Jesus ay iniakyat sa langit habang ang mga alagad ay nakatingin sa kanya, at natakpan siya ng ulap. Habang sila'y nakatitig sa langit at siya'y iniaakyat, may dalawang lalaking nakaputi na lumitaw sa tabi nila. Sabi nila, “Kayong mga taga-Galilea, bakit kayo nakatayo rito at nakatingin sa langit? Itong si Jesus na umakyat sa langit ay magbabalik gaya ng nakita ninyong pag-akyat niya.” Nagbalik sa Jerusalem ang mga apostol buhat sa Bundok ng mga Olibo, na halos isang kilometro ang layo sa lungsod. Pagdating sa bahay na kanilang tinutuluyan, umakyat sila sa silid sa itaas. Sila ay sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Felipe, Tomas, Bartolome, Mateo, si Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, at si Judas na anak ni Santiago. Lagi silang nagsasama-sama upang manalangin kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus, gayundin ang mga kapatid ni Jesus. Makalipas ang ilang araw, nang nagkakatipon ang may isandaan at dalawampung mga kapatid, tumayo sa harap nila si Pedro at nagsalita, “Mga kapatid, kailangang matupad ang sinasabi sa Kasulatan na ipinahayag ng Espiritu Santo sa pamamagitan ni David tungkol kay Judas na nanguna sa mga dumakip kay Jesus. Si Judas ay kabilang sa amin at naging kasama namin sa paglilingkod.” Ang kabayaran sa kanyang pagtataksil ay ibinili niya ng lupa. Doon siya nahulog nang patiwarik at sumabog ang kanyang tiyan at lumabas ang kanyang bituka. Nabalita iyon sa buong Jerusalem, kaya nga't ang lupang iyon ay tinawag na Akeldama sa kanilang wika, na ang kahulugan ay Bukid ng Dugo. Sinabi pa ni Pedro, “Nasusulat sa Aklat ng mga Awit, ‘Ang tirahan niya'y tuluyang layuan, at huwag nang tirhan ninuman.’ Nasusulat din, ‘Gampanan ng iba ang kanyang tungkulin.’ Kaya't iminungkahi nila ang dalawang lalaki, si Matias at si Jose na tinatawag na Barsabas, na kilala rin sa pangalang Justo. Pagkatapos, sila'y nanalangin, “Panginoon, alam ninyo kung ano ang nasa puso ng lahat ng tao. Ipakita po ninyo sa amin kung sino sa dalawang ito ang inyong pinili upang maglingkod bilang apostol kapalit ni Judas na tumalikod sa kanyang tungkulin nang siya'y pumunta sa lugar na nararapat sa kanya.” Nagpalabunutan sila at si Matias ang napili. Kaya't siya ay idinagdag sa labing-isang apostol. Nagkakatipon silang lahat sa isang lugar nang sumapit ang araw ng Pentecostes. Walang anu-ano'y may ingay na nagmula sa langit, na tulad ng ugong ng malakas na hangin, at napuno nito ang bahay na kinaroroonan nila. May nakita silang parang mga dilang apoy na dumapo sa bawat isa sa kanila, at silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsimulang magsalita ng iba't ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu. May mga debotong Judio noon sa Jerusalem na nagmula sa bawat bansa sa buong mundo. Nang marinig nila ang ugong, nagdatingan ang maraming tao. Namangha sila sapagkat nagsasalita ang mga alagad sa wika ng mga nakikinig. Sa pagkamangha at pagtataka ay kanilang nasabi, “Hindi ba taga-Galilea silang lahat? Bakit sila nakapagsasalita sa ating wika? Tayo'y mga taga-Partia, Media, Elam, Mesopotamia, Judea at Capadocia, Ponto at Asia. Mayroon pa sa ating taga-Frigia at Pamfilia, Egipto at sa mga lupain ng Libya na malapit sa bayan ng Cirene, at mga nagmula sa Roma, mga Judio at mga Hentil na nahikayat sa pananampalatayang Judio. May mga taga-Creta at Arabia rin. Paano sila nakapagsasalita sa ating mga wika tungkol sa mga kahanga-hangang ginawa ng Diyos?” Hindi nila lubusang maunawaan ang nangyari, kaya't nagtanungan sila, “Ano ang kahulugan nito?” Ngunit may ilang nagsabi nang pakutya, “Lasing lang ang mga iyan!” Kaya't tumayo si Pedro, kasama ng labing-isang apostol, at nagsalita nang malakas, “Mga taga-Judea, at kayong lahat na nakatira sa Jerusalem, pakinggan ninyong mabuti ang sasabihin ko. Hindi lasing ang mga taong ito, gaya ng palagay ninyo. Alas nuwebe pa lamang ng umaga ngayon. Ang nakikita ninyo'y katuparan ng ipinahayag ni Propeta Joel, ‘Ito ang gagawin ko sa mga huling araw,’ sabi ng Diyos, ‘Ibubuhos ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao; ipahahayag ng inyong mga anak na lalaki at babae ang aking mensahe. Ang inyong mga kabataang lalaki ay makakakita ng mga pangitain, at ang inyong matatandang lalaki ay magkakaroon ng mga panaginip. Sa panahong iyon, ibubuhos ko rin ang aking Espiritu, sa aking mga alipin, maging lalaki at maging babae, at ipahahayag nila ang aking mensahe. Magpapakita ako ng mga kababalaghan sa langit at mga himala sa lupa; dugo, apoy at makapal na usok. Ang araw ay magdidilim, ang buwan ay pupulang parang dugo, bago dumating ang dakila at maluwalhating araw ng Panginoon. At sinumang tumawag sa pangalan ng Panginoon ay maliligtas.’ “Mga Israelita, pakinggan ninyo ito! Si Jesus na taga-Nazaret ay sinugo ng Diyos. Pinatunayan ito ng mga himala, mga kababalaghan, at mga palatandaang ginawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Alam ninyo ito sapagkat ang lahat ng ito ay naganap sa kalagitnaan ninyo. Ang Jesus na ito, na ipinagkanulo sa inyo ayon sa pasya at kaalaman ng Diyos sa mula't mula pa, ay ipinapako ninyo at ipinapatay sa mga taong masasama. Subalit siya'y muling binuhay ng Diyos at pinalaya mula sa kapangyarihan ng kamatayan, sapagkat hindi maaaring siya'y bihagin nito, gaya ng sinabi ni David tungkol sa kanya, ‘Nakita ko ang Panginoon na lagi kong kasama, hindi ako matitinag sapagkat kapiling ko siya. Dahil dito, natuwa ang puso ko at ang mga salita ko'y napuno ng galak, at ang katawan ko'y mananatiling may pag-asa. Sapagkat ang kaluluwa ko'y di mo pababayaan sa daigdig ng mga patay, At hindi mo hahayaang makaranas ng pagkabulok ang iyong Banal na Lingkod. Itinuro mo sa akin ang mga landas patungo sa buhay, dahil ikaw ang kasama ko, ako'y mapupuno ng kagalakan.’ “Mga kapatid, may katiyakang sinasabi ko sa inyo na ang ninuno nating si David ay namatay at inilibing, at naririto ang kanyang libingan hanggang ngayon. Siya'y propeta at alam niya ang pangako sa kanya ng Diyos, na magiging haring tulad niya ang isang magmumula sa kanyang angkan. Noon pa man ay nakita na ni David ang muling pagkabuhay ng Cristo at ipinahayag niya ito nang kanyang sabihing, ‘hindi siya pinabayaan sa daigdig ng mga patay, at hindi nakaranas ng pagkabulok ang kanyang katawan.’ Ang Jesus na ito ay muling binuhay ng Diyos at saksi kaming lahat sa pangyayaring iyon. Pinaupo siya sa kanan ng Diyos at tinanggap niya mula sa Ama ang ipinangakong Espiritu Santo. Ito ang kanyang ibinuhos sa amin, tulad ng inyong nakikita at naririnig. Hindi si David ang umakyat sa langit, kundi sinabi lamang niya, ‘Sinabi ng Panginoon sa aking Panginoon, “Maupo ka sa kanan ko, hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.”’ “Kaya't dapat malaman ng buong Israel na itong si Jesus na ipinako ninyo sa krus ay siyang ginawa ng Diyos na Panginoon at Cristo!” Nabagabag ang kanilang kalooban nang marinig ito, kaya't tinanong nila si Pedro at ang ibang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?” Sumagot si Pedro, “Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang kayo'y patawarin; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo. Sapagkat ang pangako ay para sa inyo at sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, sa bawat taong tatawagin ng ating Panginoong Diyos.” Marami pang inilahad si Pedro upang patunayan ang kanyang sinabi, at nanawagan siya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong mga sarili mula sa parusang sasapitin ng masamang lahing ito.” Kaya't ang mga naniwala sa ipinangaral niya ay nagpabautismo, at nadagdagan ang mga alagad ng may tatlong libong katao nang araw na iyon. Inilaan nila ang kanilang mga sarili upang matuto sa turo ng mga apostol, magsama-sama bilang magkakapatid, magsalu-salo sa pagkain ng tinapay, at manalangin. Dahil sa maraming himala at kababalaghang ginagawa sa pamamagitan ng mga apostol [sa Jerusalem], naghari sa lahat ang takot. Nagsama-sama ang lahat ng sumasampalataya at ang kanilang mga ari-arian ay itinuring na para sa lahat. Ipinagbili nila ang kanilang mga ari-arian at ang napagbilhan ay ipinamahagi sa bawat isa ayon sa kanyang pangangailangan. Araw-araw, sila'y nagkakatipon sa Templo at nagpipira-piraso ng tinapay sa kanilang mga tahanan, na masaya at may malinis na kalooban. Nagpupuri sila sa Diyos, at kinalulugdan sila ng lahat ng tao. At bawat araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga inililigtas. Minsan, nagpunta sina Pedro at Juan sa Templo; alas tres ng hapon noon, ang oras ng pananalangin. Sa pintuan ng Templo na tinatawag na Pintuang Maganda ay may isang lalaking lumpo mula pa nang ito'y isilang. Dinadala ito sa Templo araw-araw upang mamalimos sa mga taong pumapasok doon. Nang makita nito sina Pedro at Juan na papasók sa Templo, siya'y humingi ng limos. Tinitigan siya ng dalawa, at sinabi ni Pedro sa kanya, “Tingnan mo kami!” Tumingin nga siya sa kanila sa pag-asang siya'y lilimusan. Ngunit sinabi ni Pedro, “Wala akong pilak o ginto, ngunit kung ano ang mayroon ako ay siya kong ibibigay sa iyo. Sa pangalan ni Jesu-Cristong taga-Nazaret, tumayo ka at lumakad.” Hinawakan niya sa kanang kamay ang lumpo at itinayo. Noon di'y lumakas ang mga paa at bukung-bukong ng lalaki; palukso itong tumayo at nagsimulang lumakad. Pumasok siya sa Templo kasama nila, naglalakad, lumulundag at nagpupuri sa Diyos. Nakita ng lahat na siya'y naglalakad at nagpupuri sa Diyos. Nang makilala nilang siya ang pulubing dati'y nakaupong namamalimos sa Pintuang Maganda ng Templo, namangha sila at nagtaka sa nangyari sa kanya. Habang nakahawak siya kina Pedro at Juan sa lugar na tinatawag na Portiko ni Solomon, patakbong lumapit sa kanila ang mga taong takang-taka sa nangyari. Nangmakita ni Pedro ang mga tao, sinabi niya, “Mga Israelita, bakit kayo nagtataka sa nangyaring ito? Bakit ninyo kami tinititigan? Akala ba ninyo'y napalakad namin siya dahil sa sarili naming kapangyarihan o kabanalan? Niluwalhati wng Diyos ng ating mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob ang kanyang Lingkod na si Jesus na isinakdal ninyo at itinakwil sa harap ni Pilato, gayong ipinasya na nito na palayain siya. Itinakwil ninyo ang Banal at Matuwid, at hiniling na palayain ang isang mamamatay-tao. Pinatay ninyo ang Pinagmumulan ng buhay, ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos, at saksi kami sa pangyayaring ito. Ang kapangyarihan ng pangalan ni Jesus ang nagpagaling sa lalaking ito; nangyari ito dahil sa pananalig sa kanyang pangalan. Ang pananalig kay Jesus ang lubusang nagpagaling sa kanya, tulad ng inyong nakikita. “Mga kapatid, alam kong hindi ninyo nauunawaan ang inyong ginawa, gayundin ng inyong mga pinuno. Sa ganitong paraan ay natupad ang matagal nang ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta na ang kanyang Cristo ay kailangang magdusa. Kaya nga, magsisi kayo at magbalik-loob sa Diyos upang patawarin ang inyong mga kasalanan, at nang sa gayon ay sumapit ang panahon ng pagpapanibagong lakas mula sa Panginoon. Susuguin niya si Jesus, ang Cristong hinirang mula pa noong una para sa inyo. Siya'y dapat munang manatili sa langit hanggang sa dumating ang pagbabago ng lahat ng bagay, ayon sa ipinahayag ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang mga banal na propeta mula pa noong una. Sapagkat sinabi ni Moises, ‘Mula sa inyo, ang Panginoon ninyong Diyos ay pipili para sa inyo ng isang propetang katulad ko. Sundin ninyo ang lahat ng kanyang sasabihin sa inyo. Ang sinumang hindi sumunod sa propetang iyon ay ihihiwalay sa bayan ng Diyos at lilipulin.’ Ang lahat ng mga propeta, kasama si Samuel at ang mga kasunod niya, ay nagpahayag din tungkol sa panahong ito. Ang mga pangako ng Diyos sa pamamagitan ng mga propeta ay para sa inyo, at kasama kayo sa kasunduan na ginawa ng Diyos at ng inyong mga ninuno nang kanyang sabihin kay Abraham, ‘Pagpapalain ko ang lahat ng angkan sa daigdig sa pamamagitan ng iyong lahi.’ Kaya't matapos buhayin ng Diyos ang kanyang Lingkod, sa inyo siya unang isinugo upang pagpalain kayo at tulungang tumalikod sa inyong masamang pamumuhay.” Nagsasalita pa sina Pedro at Juan sa mga taong bayan nang dumating ang mga paring Judio, ang kapitan ng mga bantay sa Templo at ang mga Saduseo. Galit na galit sila sa dalawang apostol dahil itinuturo ng mga ito sa mga tao na si Jesus ay muling nabuhay, at iyon ang katibayan na muling mabubuhay ang mga patay. Kaya't dinakip nila ang dalawa, at ikinulong muna hanggang kinabukasan sapagkat gabi na noon. Gayunman, marami sa nakarinig ng kanilang pangangaral ang sumampalataya kay Jesus, kaya't umabot sa limanlibo ang bilang ng mga lalaki. Kinabukasan, nagtipon sa Jerusalem ang mga pinuno ng mga Judio, ang mga matatandang namumuno sa bayan at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Kasama nila si Anas, ang pinakapunong pari, si Caifas, si Juan, si Alejandro, at ang iba pang mga kamag-anak ng pinakapunong pari. Pinatayo nila sa harap ang mga apostol at tinanong, “Sa anong kapangyarihan o sa kaninong pangalan ninyo ginagawa ang bagay na ito?” Sumagot si Pedro na puspos ng Espiritu Santo, “Mga tagapanguna at mga pinuno ng bayan, kung sinisiyasat ninyo kami ngayon tungkol sa kabutihang ginawa namin sa lumpong ito at kung paano siya gumaling, nais kong malaman ninyong lahat at ng buong Israel na ang taong ito ay nakatayo sa inyong harapan at lubusang gumaling dahil sa kapangyarihan ng pangalan ni Jesu-Cristo na taga-Nazaret, na inyong ipinako sa krus ngunit muling binuhay ng Diyos. Ang Jesus na ito ‘Ang batong itinakwil ninyong mga tagapagtayo ng bahay, ang siyang naging batong-panulukan.’ Sa kanya lamang matatagpuan ang kaligtasan, sapagkat walang ibang pangalan sa buong daigdig na ibinigay ng Diyos sa mga tao upang tayo ay maligtas.” Nagtaka ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio sa katapangang ipinakita nina Pedro at Juan, lalo na nang malaman nilang mga karaniwang tao lamang ang mga ito at hindi nakapag-aral. Nabatid nilang dating kasamahan ni Jesus ang mga ito. Ngunit dahil kaharap nila ang taong pinagaling, na nakatayo sa tabi nina Pedro at Juan, wala silang masabi laban sa dalawa. Kaya't ang dalawa ay pinalabas muna ng Kapulungan, at saka sila nag-usap. “Ano ang gagawin natin sa mga taong ito?” tanong nila. “Hayag na sa buong Jerusalem na isang pambihirang himala ang naganap sa pamamagitan nila at hindi natin ito maikakaila. Upang huwag nang kumalat ang balita tungkol dito, pagsabihan na lamang natin sila na huwag nang magsalita kaninuman sa pangalan ni Jesus.” Kaya't muli nilang ipinatawag sina Pedro at pinagsabihang huwag nang magsalita o magturo pang muli sa pangalan ni Jesus. Subalit sumagot sina Pedro at Juan, “Kayo na ang humatol kung alin ang tama sa paningin ng Diyos, ang sumunod sa inyo o ang sumunod sa Diyos. Hindi maaaring di namin ipahayag ang aming nakita at narinig.” Wala silang makitang paraan upang parusahan ang dalawa, sapagkat ang mga tao'y nagpupuri sa Diyos dahil sa nangyari. Kaya't binalaan nila ang dalawa nang lalo pang mahigpit, at saka pinalaya. Ang lalaking pinagaling ay mahigit nang apatnapung taong gulang. Nang palayain na sina Pedro at Juan, pumunta sila sa mga kasamahan nila at ibinalita ang sinabi ng mga punong pari at ng mga pinuno ng bayan. Nang marinig ito ng mga mananampalataya, sama-sama silang nanalangin sa Diyos, “Panginoon, kayo po ang lumikha ng langit at ng lupa, ng dagat at ng lahat ng nasa mga ito! Kayo po ang nagsalita sa pamamagitan ng aming ninunong si David na inyong lingkod nang sabihin niya sa patnubay ng Espiritu Santo, ‘Bakit galit na galit ang mga Hentil, at ang mga tao'y nagbalak ng mga bagay na walang kabuluhan? Naghanda para sa digmaan ang mga hari sa lupa, at nagtipon ang mga pinuno laban sa Panginoon at sa kanyang Hinirang.’ Nagkatipon nga sa lungsod na ito sina Herodes at Poncio Pilato, kasama ang mga Hentil at ang buong Israel, laban sa inyong banal na Lingkod na si Jesus, ang inyong Hinirang. Nagkatipon sila upang isagawa ang lahat ng bagay na inyong itinakda noong una pa man ayon sa inyong kapangyarihan at kalooban. At ngayon, Panginoon, tingnan ninyo, pinagbabantaan nila kami. Bigyan ninyo ng katapangan ang inyong mga alipin upang ipangaral ang inyong salita. Iunat ninyo ang inyong kamay upang magpagaling, at loobin ninyo na sa pangalan ng inyong banal na Lingkod na si Jesus ay makagawa kami ng mga himala.” Pagkatapos nilang manalangin, nayanig ang kanilang pinagtitipunan. Silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at buong tapang na nangaral ng salita ng Diyos. Nagkaisa ang damdamin at isipan ng lahat ng mananampalataya, at di itinuring ninuman na sarili niya ang kanyang mga ari-arian, kundi para sa lahat. Taglay ang dakilang kapangyarihan, ang mga apostol ay patuloy na nagpapatotoo tungkol sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus. At ang masaganang pagpapala ay tinaglay nilang lahat. Walang kinakapos sa kanila sapagkat ipinagbibili nila ang kani-kanilang lupa o bahay, at ang pinagbilhan ay ipinagkakatiwala nila sa mga apostol. Ipinamamahagi naman iyon ayon sa pangangailangan ng bawat isa. Ganoon ang ginawa ni Jose, isang Levitang taga-Cyprus, na tinawag ng mga apostol na Bernabe, na ang ibig sabihi'y “Anak ng Pagpapalakas-loob.” Ipinagbili niya ang kanyang bukid at ipinagkatiwala sa mga apostol ang pinagbilhan. Subalit mayroong mag-asawa na nagbenta ng kanilang ari-arian; Ananias ang pangalan ng lalaki at Safira naman ang babae. Hindi ibinigay ni Ananias sa mga apostol ang buong pinagbilhan na sinang-ayunan naman ng kanyang asawa. Isang bahagi lamang ang kanyang ipinagkatiwala sa mga apostol. Kaya't sinabi ni Pedro, “Ananias, bakit ka nagpadala kay Satanas at nagsinungaling ka sa Espiritu Santo? Bakit mo binawasan ang pinagbilhan mo ng lupa? Bago mo ipinagbili ang lupa, hindi ba iyo iyon? At nang maipagbili na, hindi ba iyo rin ang pinagbilhan? Bakit mo naisipang gawin iyon? Hindi ka sa tao nagsinungaling kundi sa Diyos.” Nang marinig ito ni Ananias, siya'y nalagutan ng hininga at bumagsak, at lahat ng nakabalita sa pangyayaring iyon ay pinagharian ng matinding takot. Lumapit ang ilang binata, binalot ang bangkay, at siya'y inilibing. Pagkaraan ng may tatlong oras, dumating naman ang kanyang asawa na walang kamalay-malay sa nangyari. Kinausap siya ni Pedro, “Sabihin mo sa akin, ito nga ba lamang ang kabuuang halagang pinagbilhan ninyo ng inyong lupa?” “Opo, iyan lamang,” sagot ng babae. Kaya't sinabi sa kanya ni Pedro, “Bakit nagkaisa kayong subukin ang Espiritu ng Panginoon? Hayan! Kadarating pa lamang ng mga naglibing sa iyong asawa, at ikaw naman ngayon ang isusunod nila!” Noon di'y nabuwal si Safira sa paanan ni Pedro at namatay. Pagpasok ng mga binata, nakita nilang patay na siya kaya't inilibing siya sa tabi ng kanyang asawa. Nakadama ng matinding takot ang buong iglesya at ang lahat ng nakabalita nito. Maraming himalang ginawa ang mga apostol, na pawang nasaksihan ng mga tao. Sa Portiko ni Solomon nagtitipon ang mga mananampalataya, ngunit natatakot sumama sa kanila ang mga di mananampalataya, kahit na pinupuri sila ng mga ito. Samantala, parami nang parami ang mga lalaki at babaing sumasampalataya sa Panginoon. Dinadala sa mga lansangan ang mga maysakit at inilalagay sa mga papag at banig upang pagdaan ni Pedro ay matamaan man lamang ng kanyang anino ang ilan sa kanila. Dumating din ang maraming tao mula sa mga karatig-bayan ng Jerusalem, dala ang kanilang mga maysakit at mga pinapahirapan ng masasamang espiritu; at gumaling silang lahat. Labis na nainggit sa mga apostol ang pinakapunong pari at ang mga kasamahan niyang Saduseo, kaya't kumilos sila. Dinakip nila ang mga apostol at ibinilanggo. Ngunit kinagabiha'y binuksan ng isang anghel ng Panginoon ang bilangguan at inilabas ang mga apostol. Sinabi nito sa kanila, “Pumunta kayo sa Templo at ipahayag sa mga tao ang lahat ng bagay tungkol sa bagong pamumuhay na ito.” Kaya nang mag-uumaga na, pumasok sa Templo ang mga apostol at nagturo sa mga tao. Nagtipon naman ang pinakapunong pari at ang kanyang mga kasamahan, at tumawag ng pangkalahatang pulong ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio at ng pamunuan ng Israel. Ipinakuha nila sa bilangguan ang mga apostol, ngunit ang mga ito ay wala na nang dumating doon ang mga kawal kaya't nagbalik sila sa Kapulungan at nag-ulat, “Nakita po namin na nakasusing mabuti ang pintuan ng bilangguan at nakatayo roon ang mga bantay. Ngunit nang buksan namin, wala kaming nakitang tao sa loob!” Nang marinig ito, nabahala ang mga punong pari at ang kapitan ng mga bantay sa Templo. Hindi nila maubos-maisip kung ano ang nangyari sa mga apostol. Siya namang pagdating ng isang taong ganito ang sabi, “Tingnan po ninyo, ang mga lalaking ipinakulong ninyo ay naroon sa Templo at nagtuturo sa mga tao.” Kaya't pumunta sa Templo ang kapitan, kasama ang kanyang mga tauhan. Kinuha nila ang mga apostol, ngunit hindi sila gumamit ng dahas sa pangambang baka pagbabatuhin sila ng mga tao. Iniharap nila sa Kapulungan ang mga apostol at ang mga ito'y tinanong ng pinakapunong pari. “Hindi ba't mahigpit namin kayong pinagbawalang mangaral sa pangalan ng taong iyan?” sinabi niya. “Ngunit tingnan ninyo ang inyong ginawa! Laganap na sa Jerusalem ang inyong itinuturo at nais pa ninyo kaming papanagutin sa pagkamatay ng taong iyan!” Sumagot si Pedro at ang ibang mga apostol, “Sa Diyos kami dapat sumunod, at hindi sa tao. Ang Diyos ng ating mga ninuno ang muling bumuhay kay Jesus na pinatay ninyo nang siya'y inyong ipinako sa krus. Iniakyat siya ng Diyos sa kanyang kanan bilang Tagapanguna at Tagapagligtas, upang bigyan ang mga Israelita ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa kasalanan, at nang sa gayon ay magkamit sila ng kapatawaran. Saksi kami sa mga bagay na ito, kami at ang Espiritu Santo na ipinagkaloob ng Diyos sa mga sumusunod sa kanya.” Nagngitngit sa galit ang mga bumubuo ng Kapulungan nang marinig ito, at nais nilang ipapatay ang mga apostol. Ngunit tumayo ang isa sa kanila na ang pangalan ay Gamaliel, isang Pariseong guro ng Kautusan at iginagalang ng buong bayan. Iniutos niyang ilabas muna ang mga apostol, at pagkatapos ay nagsalita, “Mga kababayan, isipin ninyong mabuti ang gagawin ninyo sa mga taong ito. Hindi pa nagtatagal mula nang lumitaw si Teudas na nagpanggap na isang dakilang pinuno, at nakaakit ng may apatnaraang tagasunod. Ngunit nang mapatay siya, nagkahiwa-hiwalay ang kanyang mga tauhan at nauwi sa wala ang kanilang kilusan. Pagkatapos, lumitaw naman si Judas na taga-Galilea noong panahon ng pagpapatala ng mga mamamayan, at nakaakit din ito ng maraming tauhan. Nang mapatay siya, nagkawatak-watak din ang mga tagasunod niya. Kaya't ganito ang payo ko: huwag ninyong pakialaman ang mga taong ito; hayaan ninyo sila. Kung ang kanilang plano o kilusan ay mula sa tao, ito'y kusang maglalaho. Ngunit kung ito'y mula sa Diyos, hindi ninyo ito mahahadlangan, at lilitaw pang kayo'y lumalaban sa Diyos!” Sinunod nga nila ang payo ni Gamaliel. Pinapasok nilang muli ang mga apostol, at matapos ipahagupit at pagbawalang mangaral sa pangalan ni Jesus, ang mga ito'y pinalaya. Nilisan ng mga apostol ang Kapulungan at sila'y galak na galak sapagkat minarapat ng Diyos na sila'y magdanas ng kahihiyan alang-alang sa pangalan ni Jesus. At araw-araw, sa Templo at sa mga bahay-bahay, walang tigil silang nagturo at nangaral ng magandang balita tungkol kay Jesus, ang Cristo. Habang patuloy na dumarami ang mga alagad, nagkaroon ng reklamo laban sa mga Hebreo ang mga Helenista. Sinabi nilang ang mga biyuda sa pangkat nila ay napapabayaan sa pang-araw-araw na pamamahagi ng ikabubuhay. Kaya't tinipon ng Labindalawa ang buong kapulungan ng mga mananampalataya at sinabi sa kanila, “Hindi namin dapat pabayaan ang pangangaral ng salita ng Diyos upang mangasiwa sa pamamahagi ng ikabubuhay. Kaya, mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking iginagalang, puspos ng Espiritu, at matatalino upang ilagay namin sila sa tungkuling ito. Samantala, iuukol naman namin ang aming panahon sa pananalangin at sa pangangaral ng salita.” Nalugod ang buong kapulungan sa panukalang ito, kaya't pinili nila si Esteban, isang lalaking lubos ang pananampalataya sa Diyos at puspos ng Espiritu Santo, at sina Felipe, Procoro, Nicanor, Timon, Parmenas, at si Nicolas na taga-Antioquia, isang Hentil na nahikayat sa pananampalatayang Judio. Nang iharap sila sa mga apostol, sila'y ipinanalangin at pinatungan ng kamay. Patuloy na lumaganap ang salita ng Diyos at dumami ang mga alagad sa Jerusalem. At maraming paring Judio ang naniwala sa Magandang Balita. Pinagpala ng Diyos si Esteban at pinagkalooban ng kapangyarihan, kaya't nakakagawa siya ng maraming kababalaghan at himala sa harapan ng madla. Minsan, nakipagtalo sa kanya ang ilang kasapi sa sinagoga ng mga Pinalaya, na binubuo ng mga Judiong taga-Cirene, Alejandria, Cilicia, at Asia. Ngunit hindi nila kayang salungatin ang karunungang kaloob ng Espiritu kay Esteban. Kaya't lihim nilang sinulsulan ang ilang lalaki na magpatotoo laban sa kanya ng ganito, “Narinig naming nilalait niya si Moises at ang Diyos.” Sa gayon, naudyukan nilang magalit kay Esteban ang mga tao, ang mga pinuno ng bayan at ang mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y sinunggaban nila at dinala sa Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio. Nagharap sila ng mga sinungaling na saksi laban kay Esteban. Sinabi ng mga ito, “Ang taong ito ay walang tigil ng pagsasalita laban sa banal na Templo at sa Kautusan ni Moises. Narinig naming sinasabi niya na ang Templo raw ay gigibain nitong si Jesus na taga-Nazaret, at papalitan ang mga kaugaliang ipinamana sa atin ni Moises.” Si Esteban ay pinagmasdang mabuti ng lahat ng nakaupo sa Kapulungan, at nakita nila na ang kanyang mukha ay parang mukha ng anghel. Si Esteban ay tinanong ng pinakapunong pari, “Totoo ba ang lahat ng ito?” Sumagot si Esteban, “Mga kapatid at mga magulang, pakinggan ninyo ang sasabihin ko. Ang dakila at makapangyarihang Diyos ay nagpakita sa ating ninunong si Abraham nang siya'y nasa Mesopotamia pa, bago siya nanirahan sa Haran. Sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Iwan mo ang iyong lupain at mga kamag-anak at pumunta ka sa lupaing ituturo ko sa iyo.’ “Kaya't umalis siya sa lupain ng mga Caldeo at nanirahan sa Haran. Pagkamatay ng kanyang ama, siya'y pinalipat ng Diyos sa lupaing ito na inyong tinitirhan ngayon. Gayunman, hindi pa siya binigyan dito ng Diyos ng kahit na kapirasong lupa, ngunit ipinangako sa kanya na ang lupaing ito ay magiging pag-aari niya at ng magiging lahi niya, kahit na wala pa siyang anak noon. Ganito ang sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Makikitira sa ibang lupain ang iyong magiging lahi. Aalipinin sila roon at pahihirapan sa loob ng apatnaraang taon, ngunit paparusahan ko ang bansang aalipin sa kanila. Aalis sila roon at sasamba sa akin sa lugar na ito.’ At iniutos ng Diyos kay Abraham ang pagtutuli bilang palatandaan ng kanilang kasunduan. Kaya't nang isilang si Isaac, tinuli niya ito sa ikawalong araw. Ganoon din ang ginawa ni Isaac sa anak niyang si Jacob, at ginawa naman ni Jacob sa labindalawa niyang anak na lalaki, na naging mga ninuno ng ating lahi. “Ang mga ninuno nating ito ay nainggit kay Jose, kaya't siya'y ipinagbili nila upang maging alipin sa Egipto. Ngunit kasama niya ang Diyos, at hinango siya ng Diyos sa lahat ng kanyang kahirapan. Pinagpala siya ng Diyos at pinagkalooban ng karunungan nang humarap siya sa Faraon, ang hari ng Egipto. Siya'y ginawa nitong gobernador ng Egipto at tagapamahala ng buong sambahayan ng hari. “Nagkaroon ng taggutom at matinding paghihirap sa buong Egipto at Canaan. Maging ang ating mga ninuno ay walang makunan ng pagkain. Kaya't nang mabalitaan ni Jacob na may trigo sa Egipto, pinapunta niya roon ang ating mga ninuno sa unang pagkakataon. Sa ikalawang pagpunta nila, nagpakilala si Jose sa kanyang mga kapatid, at nalaman naman ng Faraon ang tungkol sa kanyang pamilya. Dahil dito'y ipinasundo ni Jose ang kanyang amang si Jacob at ang buong pamilya nito, pitumpu't limang katao silang lahat. Pumunta nga si Jacob sa Egipto at doon siya namatay, gayundin ang ating mga ninuno. Ang kanilang mga labî ay dinala sa Shekem at inilagay sa libingang binili ni Abraham sa mga anak ni Hamor. “Nang sumapit ang panahon para tuparin ng Diyos ang kanyang pangako kay Abraham, maraming-marami na ang mga Israelita sa Egipto. Sa panahong iyon, hindi na kilala ng hari [ng Egipto] si Jose. Dinaya at pinahirapan ng hari ang ating mga ninuno at sapilitan niyang ipinatapon ang kanilang mga sanggol upang mamatay. Noon ipinanganak si Moises, isang batang kinalulugdan ng Diyos. Tatlong buwan siyang inalagaan sa kanilang tahanan, at nang siya'y itapon, inampon siya ng anak na babae ng Faraon, at pinalaking parang sariling anak. Tinuruan siya sa lahat ng karunungan ng mga Egipcio, at siya'y naging dakila sa salita at sa gawa. “Nang si Moises ay apatnapung taon na, naisipan niyang dalawin ang kanyang mga kababayang Israelita upang tingnan ang kanilang kalagayan. Nakita niyang inaapi ng isang Egipcio ang isa sa kanila, kaya't ipinagtanggol niya ito, at napatay niya ang Egipciong iyon. Akala ni Moises ay mauunawaan ng kanyang mga kababayan na sila'y ililigtas ng Diyos sa pamamagitan niya. Ngunit hindi nila ito naunawaan. Kinabukasan, may nakita siyang dalawang Israelitang nag-aaway, at sinikap niyang sila'y pagkasunduin. Sabi niya, ‘Mga kaibigan, pareho kayong Israelita. Bakit kayo nag-aaway?’ Subalit tinabig siya ng lalaking nananakit at pinagsabihan ng ganito: ‘Sino ang naglagay sa iyo upang maging pinuno at hukom namin? Nais mo rin ba akong patayin gaya ng ginawa mo kahapon doon sa Egipcio?’ Nang marinig ito ni Moises, siya'y tumakas at nanirahan sa lupain ng Midian. Doon ay nagkaroon siya ng dalawang anak na lalaki. “Makalipas ang apatnapung taon, samantalang si Moises ay nasa ilang na di-kalayuan sa Bundok ng Sinai, nagpakita sa kanya ang isang anghel sa isang nagliliyab na mababang punongkahoy. Namangha si Moises sa kanyang nakita, at nang lapitan niya ito upang tingnang mabuti, narinig niya ang tinig ng Panginoon, ‘Ako ang Diyos ng iyong mga ninuno, ang Diyos nina Abraham, Isaac at Jacob.’ Nanginig sa takot si Moises at hindi makatingin. Sinabi sa kanya ng Panginoon, ‘Alisin mo ang iyong sandalyas sapagkat banal ang lupang kinatatayuan mo. Nakita ko ang paghihirap ng aking bayan sa Egipto; narinig ko ang kanilang daing, at bumabâ ako upang sila'y iligtas. Halika't isusugo kita sa Egipto.’ “Itinakwil nila ang Moises na ito nang kanilang sabihin, ‘Sino ang naglagay sa iyo upang maging pinuno at hukom namin?’ Ngunit ang Moises ding iyon ang isinugo ng Diyos upang mamuno at magligtas sa kanila, sa tulong ng anghel na nagpakita sa kanya sa mababang punongkahoy. Sila ay inilabas niya mula sa Egipto sa pamamagitan ng mga himalang ginawa niya roon, sa Dagat na Pula, at sa ilang sa loob ng apatnapung taon. Siya rin ang Moises na nagsabi sa mga Israelita, ‘Ang Diyos ay pipili ng isa sa inyo at gagawing propetang tulad ko.’ Siya ang kasama sa kapulungan ng mga Israelita sa ilang at ng anghel na nagsalita sa kanya at sa ating mga ninuno sa Bundok ng Sinai. Siya ang tumanggap ng mga salitang nagbibigay-buhay mula sa Diyos upang ibigay sa atin. “Ngunit hindi siya sinunod ng ating mga ninuno. Sa halip, siya'y kanilang itinakwil, at mas gusto pa nilang magbalik sa Egipto. Sinabi pa nila kay Aaron, ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin, sapagkat hindi namin alam kung ano na ang nangyari sa Moises na iyan na naglabas sa amin mula sa lupain ng Egipto.’ At gumawa nga sila ng isang diyus-diyosan na may anyong guyang baka. Nag-alay sila ng handog at ipinagpista ang diyus-diyosang hinugis ng kanilang mga kamay. Dahil diyan, itinakwil sila ng Diyos at hinayaang sumamba sa mga bituin sa langit, ayon sa nakasulat sa aklat ng mga propeta: ‘Bayang Israel, hindi naman talaga ako ang tunay na hinandugan ninyo ng mga alay at mga hayop na pinatay sa loob ng apatnapung taong kayo'y nasa ilang. Sa halip, ang inyong dala-dala ay ang santuwaryo ni Molec, at ang bituin ng inyong diyos na si Refan. Dahil ginawa ninyo ang mga rebultong ito upang sambahin, dadalhin ko kayong mga bihag sa kabila pa ng Babilonia.’ “Kasama ng ating mga ninuno sa ilang ang Toldang Tipanan na ipinagawa ng Diyos kay Moises ayon sa anyong ipinakita sa kanya. Minana ito ng kanilang mga anak at dinala-dala habang sinasakop nila ang lupain ng mga bansang ipinalupig sa kanila ng Diyos sa pangunguna ni Josue. Ito'y nanatili roon hanggang sa kapanahunan ni David. Kinalugdan ng Diyos si David, at humingi ito ng pahintulot na magtayo ng tahanan para sa Diyos ng Israel. Ngunit si Solomon na ang nagtayo ng tahanang iyon. “Gayunman, ang Kataas-taasang Diyos ay hindi naninirahan sa mga bahay na ginawa ng tao. Sabi nga ng propeta, ‘Ang langit ang aking trono,’ sabi ng Panginoon, ‘at ang lupa ang aking tuntungan. Anong uri ng bahay ang itatayo ninyo para sa akin, o anong lugar ang pagpapahingahan ko? Hindi ba't ako ang gumawa ng lahat ng ito?’ “Napakatigas ng ulo ninyo! Ang mga puso at tainga ninyo ay parang sa mga pagano! Kung ano ang ginawa ng inyong mga ninuno, iyon din ang ginagawa ninyo ngayon. Lagi ninyong nilalabanan ang Espiritu Santo. Sinong propeta ang hindi inusig ng inyong mga ninuno? Pinatay nila ang mga nagpahayag tungkol sa pagparito ng Matuwid na Lingkod na inyo namang ipinagkanulo at ipinapatay. Tumanggap kayo ng kautusang ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng mga anghel, ngunit hindi naman ninyo ito sinunod.” Nagngitngit sa matinding galit kay Esteban ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio nang marinig ang mga ito. Ngunit si Esteban, na puspos ng Espiritu Santo, ay tumingala sa langit, at nakita niya ang kaluwalhatian ng Diyos at si Jesus na nakatayo sa kanan ng Diyos. Kaya't sinabi niya, “Tingnan ninyo! Nakikita kong bukás ang kalangitan, at ang Anak ng Tao na nakatayo sa kanan ng Diyos.” Tinakpan nila ang kanilang mga tainga at nagsigawan. Pagkatapos, sabay-sabay nilang sinugod si Esteban at kinaladkad siya palabas ng lungsod upang batuhin. Inilagay ng mga saksi ang kanilang mga balabal sa paanan ng isang binatang nagngangalang Saulo. At habang binabato nila si Esteban, nanalangin siya ng ganito: “Panginoong Jesus, tanggapin mo po ang aking espiritu.” Lumuhod si Esteban at sumigaw nang malakas, “Panginoon, huwag mo po silang pananagutin sa kasalanang ito!” At pagkasabi nito, siya'y namatay. Sinang-ayunan ni Saulo ang pagpatay kay Esteban. Nang araw na iyon, nagsimula ang matinding pag-uusig laban sa iglesya sa Jerusalem; at maliban sa mga apostol, ang lahat ng sumasampalataya ay nagkawatak-watak at napunta sa iba't ibang lugar sa lupain ng Judea at Samaria. Si Esteban nama'y inilibing ng mga taong may takot sa Diyos at tinangisan nang gayon na lamang. Samantala, sinikap ni Saulo na wasakin ang iglesya; pinasok niya ang mga bahay-bahay at kanyang kinaladkad at ibinilanggo ang mga sumasampalataya, maging lalaki o babae. Ipinangaral ng mga mananampalatayang nagkawatak-watak sa iba't ibang lugar ang Salita saan man sila magpunta. Nagpunta si Felipe sa lungsod ng Samaria at ipinahayag doon ang Cristo. Nang marinig ng mga tao si Felipe at makita ang mga himalang ginawa niya, nakinig silang mabuti sa kanyang sinasabi. Ang masasamang espiritu ay lumabas sa mga taong sinapian nila at sumisigaw habang lumalabas. Maraming lumpo at pilay ang pinagaling kaya't nagkaroon ng malaking kagalakan sa lungsod na iyon. Doo'y may isang lalaking ang pangalan ay Simon. Noong una, pinapahanga niya ang mga Samaritano sa pamamagitan ng salamangka. Ipinagmamalaki niya na siya'y isang dakilang tao, at pinapakinggan naman siya ng lahat, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakamataas sa lipunan, “Ang lalaking ito ang kapangyarihan ng Diyos na tinatawag na Dakila,” sabi nila. Mahabang panahon ding sila'y pinahanga niya sa pamamagitan ng kanyang salamangka, kaya't siya'y patuloy na pinapakinggan nila. Ngunit nang sumampalataya sila nang ipangaral ni Felipe ang Magandang Balita tungkol sa kaharian ng Diyos at tungkol kay Jesu-Cristo, nagpabautismo ang mga lalaki't babae. Pati si Simon ay sumampalataya rin, at nang mabautismuhan ay patuloy siyang sumama kay Felipe. Humanga si Simon nang makita niya ang mga himala. Nang mabalitaan ng mga apostol sa Jerusalem na tinanggap ng mga Samaritano ang salita ng Diyos, isinugo nila roon sina Pedro at Juan. Pagdating doon, ipinanalangin ng dalawang apostol ang mga Samaritano upang sila'y tumanggap din ng Espiritu Santo, sapagkat hindi pa ito bumababa sa kaninuman sa kanila. Sila'y nabautismuhan pa lamang sa pangalan ng Panginoong Jesus. Ipinatong nina Pedro at Juan ang kanilang kamay sa mga Samaritano at tumanggap ang mga ito ng Espiritu Santo. Nakita ni Simon na ang Espiritu'y ipinagkakaloob sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay ng mga apostol, kaya't inalok niya ng salapi sina Pedro at Juan. “Bigyan din ninyo ako ng kapangyarihang ito upang ang sinumang patungan ko ng kamay ay tumanggap ng Espiritu Santo,” sabi niya. Sinagot siya ni Pedro, “Nawa'y mapapahamak ka kasama ng iyong salapi, sapagkat inakala mong mabibili ng salapi ang kaloob ng Diyos! Wala kang bahagi ni karapatan sa bagay na ito, sapagkat hindi tama ang iyong puso sa paningin ng Diyos. Pagsisihan mo ang kasamaan mong ito at manalangin ka sa Panginoon, na nawa'y patawarin ka niya sa iyong hangarin, dahil nakikita kong puno ka ng inggit at bilanggo ng kasalanan.” Sumagot si Simon, “Idalangin ninyo ako sa Panginoon, para hindi ko sapitin ang alinman sa mga sinabi ninyo!” Pagkatapos magpatotoo at mangaral ng salita ng Panginoon, bumalik sa Jerusalem sina Pedro at Juan. Ipinangaral nila ang Magandang Balita tungkol kay Cristo sa maraming nayon ng Samaria na kanilang dinaanan. Pagkatapos, sinabi ng isang anghel ng Panginoon kay Felipe, “Pumunta ka sa gawing timog sa daang mula sa Jerusalem papuntang Gaza.” Halos hindi na iyon dinadaanan ngayon. Pumunta nga doon si Felipe. Samantala, isang eunuko na pinunong taga-Etiopia, na ingat-yaman ng Candace, reyna ng Etiopia, ang nagtungo sa Jerusalem upang sumamba at pauwi na noon, nakasakay sa kanyang karwahe at nagbabasa ng aklat ni Propeta Isaias. “Sabayan mo ang sasakyang iyon,” utos ng Espiritu kay Felipe. Kaya patakbong lumapit si Felipe at narinig niyang binabasa ng pinuno ang aklat ni Propeta Isaias. Tinanong ni Felipe ang pinuno, “Nauunawaan ba ninyo ang inyong binabasa?” Sagot naman nito, “Paano ko mauunawaan ito kung walang magpapaliwanag sa akin?” At si Felipe ay inanyayahan niyang sumakay sa karwahe at umupo sa kanyang tabi. Ito ang bahagi ng kasulatang binabasa niya: “Siya ay tulad ng isang tupang dinadala sa katayan; tulad ng isang korderong hindi tumututol kahit na gupitan. At hindi umiimik kahit kaunti man. Siya'y hinamak at pinagkaitan ng katarungan. Walang sinumang makapagsasalaysay tungkol sa kanyang angkan, sapagkat kinitil nila ang kanyang buhay.” Nagtanong kay Felipe ang pinuno, “Sabihin mo nga sa akin, sino ba ang tinutukoy dito ng propeta? Sarili ba niya o iba?” Simula sa kasulatang ito ay isinalaysay sa kanya ni Felipe ang Magandang Balita tungkol kay Jesus. Nagpatuloy sila sa paglalakbay, at dumating sa isang lugar na may tubig. Kaya't sinabi ng pinuno, “Tingnan mo, may tubig dito! Mayroon bang hadlang upang ako'y bautismuhan?” [ Sinabi sa kanya ni Felipe, “Maaari, kung sumasampalataya ka nang buong puso.” Sumagot ang pinuno, “Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ang Anak ng Diyos!”] Pinatigil ng pinuno ang karwahe, lumusong silang dalawa sa tubig at binautismuhan siya ni Felipe. Pagkaahon nila sa tubig, si Felipe ay kinuha ng Espiritu ng Panginoon at hindi na siya nakita pa ng pinuno. Ang pinuno ay tuwang-tuwang nagpatuloy sa paglalakbay. Namalayan na lamang ni Felipe na siya'y nasa Azoto. Mula roon, ipinangaral niya ang Magandang Balita tungkol kay Jesus sa lahat ng bayang dinaraanan niya hanggang sa marating niya ang Cesarea. Samantala, patuloy ang pagbabanta ni Saulo na maipapatay ang mga alagad ng Panginoon. Lumapit siya sa Pinakapunong Pari ng mga Judio at humingi ng mga sulat para sa mga sinagoga sa Damasco upang madakip niya at madala sa Jerusalem ang sinumang lalaki o babae na matagpuan niya roong kaanib sa Daan ng Panginoon. Naglakbay si Saulo papuntang Damasco, at nang siya'y malapit na sa lungsod, biglang kumislap sa paligid niya ang isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit. Natumba siya sa lupa at narinig niya ang isang tinig na nagsasabi, “Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig?” “Sino kayo, Panginoon?” tanong niya. “Ako si Jesus, ang iyong inuusig,” tugon ng tinig sa kanya. “Tumayo ka't pumasok sa lungsod, at doo'y sasabihin sa iyo kung ano ang dapat mong gawin.” Natigilan at hindi makapagsalita ang mga kasama ni Saulo nang marinig nila ang tinig ngunit wala naman silang makitang nagsasalita. Tumayo si Saulo at pagmulat niya ay hindi siya makakita, kaya't siya'y inakay ng mga kasama niya at dinala sa Damasco. Hindi siya nakakita sa loob ng tatlong araw at hindi rin siya kumain ni uminom. Sa Damasco ay may isang alagad na ang pangala'y Ananias. Tinawag siya ng Panginoon sa pamamagitan ng isang pangitain, “Ananias!” “Ano po iyon, Panginoon,” tugon niya. Sinabi ng Panginoon, “Pumunta ka sa kalyeng tinatawag na Tuwid, sa bahay ni Judas, at ipagtanong mo ang isang lalaking taga-Tarso na ang pangala'y Saulo. Siya'y nananalangin ngayon. [Sa isang pangitain], nakita ka niyang pumasok sa kinaroroonan niya at pinatungan mo siya ng kamay upang siya'y makakitang muli.” Sumagot si Ananias, “Panginoon, marami na po akong nabalitaan tungkol sa taong ito at sa mga kasamaang ginawa niya sa inyong mga hinirang sa Jerusalem. At naparito siya sa Damasco, taglay ang kapangyarihang galing sa mga punong pari ng mga Judio, upang dakpin ang lahat ng tumatawag sa iyong pangalan.” Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Pumunta ka roon, sapagkat siya'y pinili ko upang ipakilala ang aking pangalan sa mga Hentil, sa mga hari, at sa mga anak ng Israel. Ipapakita ko sa kanya ang lahat ng dapat niyang tiisin alang-alang sa akin.” Pumunta nga si Ananias sa naturang bahay at pumasok dito. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay kay Saulo at sinabi niya, “Kapatid na Saulo, pinapunta ako rito ng Panginoong Jesus na nagpakita sa iyo sa daan nang ikaw ay papunta rito. Isinugo niya ako upang muli kang makakita at upang mapuspos ka ng Espiritu Santo.” Noon di'y may nalaglag na tila mga kaliskis mula sa mga mata ni Saulo at nakakita siyang muli. Tumayo siya at nagpabautismo. Kumain siya at nagbalik ang kanyang lakas. Si Saulo'y ilang araw na kasa-kasama ng mga alagad sa Damasco. At agad siyang nangaral sa mga sinagoga na si Jesus ang Anak ng Diyos. Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa kanya. “Hindi ba ito ang dating umuusig doon sa Jerusalem sa mga tumatawag sa pangalan ni Jesus?” tanong nila. “Hindi ba't naparito nga siya upang sila'y dakpin at dalhing nakagapos sa mga punong pari?” Ngunit lalong naging makapangyarihan ang pangangaral ni Saulo at walang maisagot ang mga Judiong naninirahan sa Damasco sa kanyang pagpapatunay na si Jesus ang Cristo. Pagkaraan ng maraming araw, nagkaisa ang mga Judio na patayin si Saulo. Araw at gabi ay inaabangan nila si Saulo sa mga pintuang-bayan para patayin, ngunit nalaman niya ito. Kaya't isang gabi, inilagay siya ng kanyang mga alagad sa isang basket at ibinabâ sa kabila ng pader. Pagdating ni Saulo sa Jerusalem, sinikap niyang mapabilang sa mga alagad doon. Ngunit silang lahat ay takot sa kanya dahil hindi sila makapaniwalang isa na siyang alagad. Subalit dinala siya ni Bernabe sa mga apostol at isinalaysay nito sa kanila kung paano nagpakita at nakipag-usap ang Panginoon kay Saulo nang ito'y nasa daan papunta sa Damasco. Sinabi rin ni Bernabe na buong tapang na nangaral sa Damasco si Saulo sa pangalan ni Jesus. Kaya mula noon, si Saulo'y kasa-kasama na nila sa buong Jerusalem, at buong tapang na nangangaral doon sa pangalan ng Panginoon. Nakipag-usap din siya at nakipagtalo sa mga Helenista, kaya't tinangka nilang patayin siya. Nalaman ito ng mga kapatid kaya't inihatid nila si Saulo sa Cesarea at pinauwi sa Tarso. Kaya't ang iglesya sa buong Judea, Galilea at Samaria ay naging mapayapa at matatag. At patuloy silang namuhay na may takot sa Panginoon, at sa tulong ng Espiritu Santo ay lumago sila. Naglalakbay noon si Pedro sa mga bayan-bayan upang dalawin ang mga hinirang ng Panginoon. Pagdating niya sa Lida, natagpuan niya roon ang isang lalaking nagngangalang Eneas. Ito'y isang paralitiko at walong taon nang nakaratay. Sinabi ni Pedro sa kanya, “Eneas, pinapagaling ka ni Jesu-Cristo. Tumayo ka't iligpit mo ang iyong higaan!” At agad siyang tumayo. Nakita siya ng lahat ng naninirahan sa Lida at Saron, at sila'y sumunod sa Panginoon. Sa Joppa naman ay may isang alagad na babae na ang pangalan ay Tabita. Sa wikang Griego, ang kanyang pangalan ay Dorcas. Ginugol niya ang kanyang panahon sa paggawa ng kabutihan at pagkakawanggawa. Nang mga araw na iyon, nagkasakit siya at namatay. Nilinis ang kanyang bangkay at ibinurol ito sa silid sa itaas. Malapit lang sa Joppa ang Lida. Kaya't nang mabalitaan ng mga alagad na si Pedro ay nasa Lida, nagsugo sila ng dalawang lalaki upang siya'y pakiusapang pumunta agad sa Joppa. Sumama naman sa kanila si Pedro, at pagdating doon, dinala siya sa silid sa itaas. Kaagad lumapit sa kanya ang lahat ng mga biyuda; umiiyak sila at ipinapakita ang mga damit at mga balabal na ginawa ni Dorcas para sa kanila noong ito'y nabubuhay pa. Pinalabas ni Pedro ang lahat at siya'y lumuhod at nanalangin. Pagkatapos, humarap siya sa bangkay at sinabi, “Tabita, bumangon ka!” Dumilat si Tabita at naupo nang makita nito si Pedro. Hinawakan ni Pedro ang kanyang kamay at tinulungang bumangon. Pagkatapos, tinawag niya ang mga hinirang ng Panginoon at ang mga biyuda, at iniharap sa kanila si Dorcas na buháy na. Ang pangyayaring ito'y nabalita sa buong Joppa kaya't marami ang sumampalataya sa Panginoon. Maraming araw ding nanatili si Pedro sa Joppa, sa bahay ng isang tagapagbilad ng balat ng hayop na nagngangalang Simon. Sa Cesarea ay may isang lalaking nagngangalang Cornelio. Isa siyang kapitan sa “Batalyong Italiano” ng hukbong Romano. Siya ay isang taong sumasamba at may takot sa Diyos, gayundin ang kanyang buong pamilya. Siya'y matulungin sa mga dukha at laging nananalangin sa Diyos. Minsan, nang bandang alas tres ng hapon, nagkaroon siya ng isang pangitain; kitang-kita niyang pumasok ang isang anghel ng Diyos at siya'y tinawag, “Cornelio.” Tumingin siya at takot na takot na nagtanong, “Ano po iyon?” Sumagot ang anghel, “Nasiyahan ang Diyos sa iyong mga dalangin at pagtulong mo sa mga dukha. Magsugo ka ngayon din ng ilang tao sa Joppa upang sunduin ang isang taong nagngangalang Simon, na tinatawag ding Pedro. Siya'y nanunuluyan sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Siya ay nakatira sa may tabing-dagat.” Pagkaalis ng anghel, tumawag si Cornelio ng dalawang utusan at isang debotong kawal, isa sa mga naglilingkod sa kanya. Isinalaysay niya sa kanila ang pangyayari; at pagkatapos, pinapunta sila sa Joppa. Kinabukasan, samantalang naglalakbay at malapit na sa Joppa ang mga inutusan ni Cornelio, si Pedro nama'y umakyat sa bubungan upang manalangin. Bandang tanghali na noon. Siya'y nagutom at gusto na niyang kumain. Ngunit habang naghihintay siyang maihanda ang pagkain, nagkaroon siya ng isang pangitain. Nabuksan ang langit at nakita niyang ibinababâ sa lupa ang isang parang malaking kumot na nakabitin sa apat na sulok. Naroon sa kumot ang lahat ng uri ng hayop, mga lumalakad, gumagapang, at lumilipad. Narinig niya ang isang tinig, “Pedro! Tumindig ka, magkatay ka at kumain.” Ngunit sumagot si Pedro, “Hindi ko po magagawa iyan, Panginoon! Kailanma'y hindi ako kumain ng anumang marumi o di karapat-dapat kainin.” Muli niyang narinig ang tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos.” Tatlong ulit na nangyari ito, at pagkatapos ay kaagad na iniakyat sa langit ang kumot na iyon. Habang pinag-iisipan ni Pedro kung ano ang kahulugan ng pangitaing iyon, dumating naman ang mga isinugo ni Cornelio. Ipinagtanong nila ang bahay ni Simon at noon ay nasa may pintuan na sila. Itinanong nila kung doon nga nanunuluyan si Simon na tinatawag ding Pedro. Pinag-iisipan pa ni Pedro ang kahulugan ng pangitain nang sabihin sa kanya ng Espiritu, “Tingnan mo, may tatlong lalaking naghahanap sa iyo sa ibaba. Bumabâ ka't huwag mag-atubiling sumama sa kanila dahil ako ang nagsugo sa kanila.” Nanaog nga si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ba ang sadya ninyo?” Sumagot ang mga lalaki, “Pinapunta po kami dito ni Cornelio, isang kapitan ng hukbo. Siya'y isang mabuting tao, may takot sa Diyos, at iginagalang ng mga Judio. Sinabi sa kanya ng isang anghel na ipasundo kayo upang marinig niya ang sasabihin ninyo.” Pinatuloy sila ni Pedro at doon pinatulog nang gabing iyon. Kinabukasan, siya'y sumama sa kanila, gayundin ang ilang kapatid na taga-Joppa. Nang sumunod na araw, dumating sila sa Cesarea. Doo'y naghihintay na sa kanila si Cornelio, pati ang mga kamag-anak at malalapit na kaibigan na kanyang inanyayahan. Sinalubong ni Cornelio si Pedro, nagpatirapa sa harap nito at sinamba. Ngunit sinabi ni Pedro, “Tumayo ka, ako'y tao ring tulad mo.” Patuloy silang nag-uusap habang pumapasok sa bahay, at nakita ni Pedro na maraming taong natitipon doon. Sinabi niya, “Alam naman ninyo na bawal sa isang Judio ang makihalubilo o dumalaw sa isang hindi Judio. Subalit ipinakita sa akin ng Diyos na hindi ko dapat ituring na marumi at di karapat-dapat pakitunguhan ang sinuman. Kaya't nang ipasundo ninyo ako, hindi ako nag-atubiling sumama. Nais kong malaman kung bakit ninyo ako ipinasundo.” Sumagot si Cornelio, “May apat na araw na ngayon ang nakakalipas, bandang alas tres din ng hapon, habang ako'y nananalangin dito sa aking bahay, biglang tumayo sa harap ko ang isang lalaking nakakasilaw ang kasuotan. “Sinabi niya, ‘Cornelio, nakarating sa Diyos ang iyong mga panalangin at nakita niya ang pagtulong mo sa dukha. Ipasundo mo sa Joppa si Simon Pedro. Nanunuluyan siya sa bahay ni Simon na tagapagbilad ng balat ng hayop. Siya ay nakatira sa tabing-dagat.’ Kaya't kaagad akong nagsugo sa inyo ng ilang tao, at sa inyong kagandahang-loob ay pumarito kayo. Ngayon ay naririto kaming lahat sa harap ng Diyos upang pakinggan ang lahat ng ipinapasabi ng Panginoon. ” At nagsalita si Pedro, “Ngayon ko lubusang nauunawaan na walang itinatangi ang Diyos. Nalulugod siya sa sinumang may takot sa kanya at gumagawa ng matuwid, kahit tagasaan mang bansa. Ibinigay ng Diyos ang kanyang salita sa mga Israelita. Ipinahayag niya sa kanila ang Magandang Balita ng kapayapaan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na siyang Panginoon ng lahat! Alam ninyo ang pangyayaring naganap sa buong lupain ng mga Judio, na nagsimula sa Galilea pagkatapos na ipangaral ni Juan ang mensahe tungkol sa bautismo. Alam ninyo ang tungkol kay Jesus na taga-Nazaret at kung paanong pinili siya ng Diyos at pinuspos ng Espiritu Santo at ng kapangyarihan. Alam din ninyo na pumunta siya sa iba't ibang dako upang gumawa ng kabutihan sa mga tao at pagalingin ang lahat ng pinapahirapan ng diyablo. Nagawa niya ang mga ito sapagkat kasama niya ang Diyos. “Saksi kami sa lahat ng ginawa niya sa lupain ng mga Judio at sa Jerusalem. Siya'y pinatay nila; siya ay ipinako nila sa krus. Ngunit siya'y muling binuhay ng Diyos sa ikatlong araw at hinayaang ipakita ang sarili, hindi sa lahat ng tao, kundi sa amin na mga pinili ng Diyos bilang mga saksi na nakasama niyang kumain at uminom pagkatapos na siya'y muling mabuhay. Inatasan niya kaming mangaral sa mga tao at magpatotoo na siya ang itinalaga ng Diyos na maging hukom ng mga buháy at mga patay. Siya ang tinutukoy ng mga propeta nang kanilang ipahayag na ang bawat sumampalataya sa kanya ay tatanggap ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang pangalan.” Nagsasalita pa si Pedro, nang bumabâ ang Espiritu Santo sa lahat ng mga nakikinig. Namangha ang mga mananampalatayang Judio na kasama ni Pedro sapagkat ibinigay din sa mga Hentil ang kaloob ng Espiritu Santo. Narinig nila ang mga ito na nagsasalita sa iba't ibang wika at nagpupuri sa Diyos. Kaya't sinabi ni Pedro, “Tulad natin, sila'y pinagkalooban din ng Espiritu Santo. Sino ang makakapagbawal na bautismuhan sila sa tubig?” At iniutos niyang bautismuhan sila sa pangalan ni Jesu-Cristo. Pagkatapos, hiniling nila kay Pedro na manatili pa roon nang ilang araw. Nabalitaan ng mga apostol at ng mga kapatid sa buong Judea na may mga Hentil na tumanggap na rin sa salita ng Diyos. Kaya't nang si Pedro'y pumunta sa Jerusalem, tinuligsa siya ng mga kapatid na naniniwalang dapat tuliin ang mga Hentil. “Bakit ka pumasok sa bahay ng mga di-tuling Hentil at nakisalo pa sa kanila?” tanong nila. Kaya't isinalaysay sa kanila ni Pedro ang buong pangyayari. “Ako'y nasa lungsod ng Joppa at nananalangin nang magkaroon ako ng isang pangitain. Mula sa langit ay ibinabâ sa kinaroroonan ko ang isang tila malaking kumot na nakabitin sa apat na sulok. Pinagmasdan ko itong mabuti at nakita ko roon ang iba't ibang uri ng hayop, lumalakad at gumagapang sa lupa, mababangis, at mga lumilipad. Pagkatapos ay narinig ko ang isang tinig na nag-utos, ‘Pedro, tumayo ka. Magkatay ka at kumain!’ Subalit sumagot ako, ‘Hindi ko magagawa iyan, Panginoon. Hindi ako kumakain ng anumang marumi o di karapat-dapat kainin.’ Muli kong narinig ang tinig mula sa langit, ‘Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos!’ Tatlong ulit na nangyari iyon, at pagkatapos ay hinila na pataas sa langit ang lahat ng iyon. “Nang sandali ring iyon, dumating sa bahay na tinutuluyan ko ang tatlong lalaking sinugo sa akin buhat sa Cesarea. Sinabi sa akin ng Espiritu na sumama ako sa kanila kahit sila'y mga Hentil. Sumama rin sa akin ang anim na kapatid na ito at pumasok kami sa bahay ni Cornelio. Isinalaysay niya sa amin na nakakita siya ng isang anghel na nakatayo sa loob ng kanyang bahay at sinabi raw sa kanya, ‘Magpadala ka ng mga sugo sa Joppa at ipasundo mo si Simon na tinatawag ding Pedro. Ipapahayag niya sa iyo ang mga salita na kinakailangan mo upang ikaw at ang iyong sambahayan ay maligtas.’ “Nagsisimula pa lamang akong magsalita ay bumabâ na sa kanila ang Espiritu Santo gaya ng nangyari sa atin noong una. At naalala ko ang sinabi ng Panginoon, ‘Si Juan ay nagbabautismo sa tubig, ngunit babautismuhan kayo sa Espiritu Santo.’ Kung binigyan sila ng Diyos ng kaloob na tulad ng ibinigay niya sa atin noong tayo'y manalig sa Panginoong Jesu-Cristo, sino ako para hadlangan ang Diyos?” Nang marinig nila ito, tumigil na sila ng pagtuligsa at sa halip ay nagpuri sa Diyos. Sabi nila, “Kung gayon, ang mga Hentil man ay binigyan din ng Diyos ng pagkakataong magsisi at tumalikod sa mga kasalanan upang mabuhay!” May mga mananampalatayang nagkahiwa-hiwalay dahil sa pag-uusig na nagsimula noong patayin si Esteban, na nakarating sa Fenicia, sa Cyprus at sa Antioquia. Ipinapangaral nila ang salita, ngunit sa mga Judio lamang. Subalit may kasama silang ilang mga taga-Cyprus at mga taga-Cirene na pagdating sa Antioquia ay ipinangaral din sa mga Griego ang Magandang Balita tungkol sa Panginoong Jesus. Nasa kanila ang kapangyarihan ng Panginoon, at maraming naniwala at sumunod sa Panginoong Jesus. Nang mabalitaan ito ng iglesya sa Jerusalem, isinugo nila sa Antioquia si Bernabe. Nang dumating siya roon at makita ang pagpapala ng Diyos sa kanila, siya'y nagalak at pinagpayuhan silang lahat na manatiling tapat sa Panginoon nang buong puso. Mabuting tao si Bernabe, puspos ng Espiritu Santo at ng pananampalataya sa Diyos. At marami pang tao ang sumampalataya sa Panginoon. Nagpunta si Bernabe sa Tarso upang hanapin si Saulo, at nang kanyang matagpuan ay isinama niya ito sa Antioquia. Isang taon silang nanatili roon na kasa-kasama ng iglesya, at nagtuturo sa maraming tao. Doon sa Antioquia unang tinawag na Cristiano ang mga tagasunod ni Jesus. Nang panahong iyon, dumating sa Antioquia ang ilang propeta mula sa Jerusalem. Tumayo ang isa sa kanila na ang pangala'y Agabo, at sa kapangyarihan ng Espiritu ay nagpahayag na magkakaroon ng matinding taggutom sa buong daigdig. Nangyari nga iyon noong kapanahunan ni Emperador Claudio. Napagpasyahan ng mga alagad na magpadala ng tulong sa mga kapatid na naninirahan sa Judea, ayon sa kakayanan ng bawat isa. Ganoon nga ang ginawa nila; ipinadala nila ang kanilang tulong sa mga matatandang namumuno sa iglesya sa pamamagitan nina Bernabe at Saulo. Nang mga panahon ding iyon, sinimulang usigin ni Haring Herodes ang ilang kaanib ng iglesya. Ipinapatay niya sa pamamagitan ng tabak si Santiago na kapatid ni Juan. At nang makita niyang ito'y ikinalugod ng mga Judio, si Pedro naman ang kanyang ipinadakip. Nangyari ito noong Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Pagkadakip kay Pedro, siya'y ikinulong at pinabantayan sa apat na pangkat ng tig-aapat na kawal. Ang balak ni Herodes ay iharap siya sa bayan pagkatapos ng Paskwa, kaya't nanatiling nakabilanggo si Pedro. Subalit ang iglesya ay taimtim na nanalangin sa Diyos para sa kanya. Nang gabi bago iharap ni Herodes si Pedro sa bayan, natutulog ito sa pagitan ng dalawang kawal. Nakagapos siya ng dalawang tanikala at may mga bantay pa sa harap ng pinto ng bilangguan. Walang anu-ano'y lumitaw ang isang anghel ng Panginoon at nagliwanag sa silid-piitan. Tinapik nito si Pedro sa tagiliran at ginising. “Dali, bumangon ka,” sabi ng anghel. Nakalag ang mga tanikala sa mga kamay ni Pedro. “Magbihis ka't magsuot ng sandalyas,” sabi ng anghel, at ganoon nga ang kanyang ginawa. Sinabi pa sa kanya ng anghel, “Magbalabal ka't sumunod sa akin.” Lumabas at sumunod si Pedro sa anghel, ngunit hindi niya alam kung totoo nga ang nangyayaring iyon. Akala niya'y pangitain lamang iyon. Nakalampas sila sa una at pangalawang bantay at nakarating sa pintuang bakal na labasan papunta sa lungsod. Ito'y kusang bumukas at sila'y lumabas. Pagkaraan nila sa isang kalye, bigla siyang iniwan ng anghel. Noon natauhan si Pedro, kaya't sinabi niya, “Ngayon ko natiyak na totoo pala ang lahat! Isinugo ng Panginoon ang kanyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes at sa inaasahan ng mga Judio na mangyari sa akin.” Nang maunawaan niya ang nangyari, nagpunta siya sa bahay ni Maria na ina ni Juan na tinatawag ding Marcos. Maraming nagkakatipon doon at nananalangin. Nang si Pedro ay kumatok sa pinto, lumapit si Roda na isang katulong upang tingnan kung sino iyon. Nakilala niya ang tinig ni Pedro, dahil sa tuwa ay tumakbo siyang papasok ng bahay nang hindi pa nabubuksan ang pinto, at sinabi sa lahat na si Pedro ay nasa pintuan. “Nahihibang ka!” sabi nila. Ngunit iginiit niyang naroroon nga si Pedro. Kaya't sinabi nila, “Anghel niya iyon!” Samantala, patuloy na kumakatok si Pedro. Nang buksan nila ang pinto, nakita nga nila si Pedro at hindi sila makapaniwala. Sila ay sinenyasan niyang tumahimik. Pagkatapos, isinalaysay niya kung paano siya inilabas ng Panginoon mula sa bilangguan. “Sabihin ninyo ito kay Santiago at sa mga kapatid,” sabi pa niya. Pagkatapos, umalis siya at nagpunta sa ibang lugar. Kinaumagahan, gulung-gulo ang mga kawal dahil sa pagkawala ni Pedro, at hindi nila alam kung ano ang nangyari sa kanya. Ipinahanap ni Herodes si Pedro, at nang hindi matagpuan ay ipinasiyasat ang mga bantay at ipinapatay. Pagkatapos, umalis si Herodes sa Judea, pumunta sa Cesarea at nanatili roon. Matagal nang galit si Herodes sa mga taga-Tiro at mga taga-Sidon. Kaya't sama-samang lumapit sa kanya ang mga taga-Tiro at taga-Sidon upang makipagkasundo, sapagkat sa lupain ng hari nanggagaling ang ikinabubuhay ng kanilang bayan. Nakiusap sila kay Blasto, ang tagapamahala sa palasyo, upang sila'y samahan. Pagsapit ng takdang araw, si Herodes ay nagsuot ng damit-hari, umupo sa trono, at nagtalumpati. Sumigaw ang mga taong-bayan, “Isang diyos ang nagsasalita, hindi tao!” At noon din ay hinampas ng isang anghel ng Panginoon si Herodes, sapagkat inangkin niya ang karangalang nauukol sa Diyos; at siya'y kinain ng mga uod hanggang sa mamatay. Samantala, patuloy na lumago at lumaganap ang salita ng Diyos. Nang matapos nina Bernabe at Saulo ang kanilang tungkulin, bumalik sila sa Jerusalem kasama si Juan na tinatawag ding Marcos. May mga propeta at mga guro sa iglesya sa Antioquia. Kabilang dito sina Bernabe, Simeon na tinatawag ding Maitim, Lucio na taga-Cirene, Manaen na kababata ni Herodes na pinuno ng Galilea at Saulo. Habang sila'y nag-aayuno at sumasamba sa Panginoon, sinabi sa kanila ng Espiritu Santo, “Ibukod ninyo sina Bernabe at Saulo. Sila'y pinili ko para sa tanging gawaing inilaan ko sa kanila.” Pagkatapos nilang mag-ayuno at manalangin, ipinatong nila sa dalawa ang kanilang mga kamay at sila'y pinahayo na. Dahil isinugo ng Espiritu Santo, sina Bernabe at Saulo ay nagpunta sa Seleucia at buhat doo'y sumakay sila sa isang barkong papunta sa Cyprus. Nang dumating sila sa Salamina, ipinahayag nila ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng mga Judio roon. Katulong nila si Juan sa kanilang gawain. Nilibot nila ang buong pulo hanggang sa Pafos. Natagpuan nila roon ang isang salamangkerong Judio na isang huwad na propeta; Bar-Jesus ang kanyang pangalan. Kaibigan ito ni gobernador Sergio Paulo, isang lalaking matalino. Ipinatawag ng gobernador sina Bernabe at Saulo sapagkat nais niyang marinig ang salita ng Diyos. Ngunit sinalungat sila ng salamangkerong si Elimas (ito ang pangalan ni Bar-Jesus sa wikang Griego) upang hadlangan ang gobernador sa pananampalataya. Si Saulo, na tinatawag ring Pablo, na puspos ng Espiritu Santo ay tumitig kay Elimas at nagsabi, “Ikaw na anak ng diyablo! Kaaway ka ng lahat ng mabuti! Punô ka ng pandaraya at kasamaan! Hindi ka ba titigil sa pagbaluktot sa matuwid na landas ng Panginoon? Ngayon, paparusahan ka niya! Mabubulag ka at pansamantalang hindi ka makakakita ng liwanag.” Noon di'y naramdaman ni Elimas na parang tinakpan ng maitim na ulap ang kanyang mga mata, at siya'y naghanap ng taong aakay sa kanya. Sumampalataya ang gobernador nang makita ang nangyari, at humanga siya sa katuruan tungkol sa Panginoon. Mula sa Pafos, naglayag sina Pablo hanggang sa Perga sa Pamfilia; humiwalay naman sa kanila si Juan at nagbalik sa Jerusalem. Mula sa Perga, nagpatuloy sila hanggang Antioquia sa Pisidia. Nang Araw ng Pamamahinga, pumasok sila sa sinagoga at naupo. Matapos basahin ang ilang bahagi ng mga aklat ng Kautusan at ng mga Propeta, nagpasabi sa kanila ang mga tagapamahala ng sinagoga, “Mga kapatid, kung mayroon kayong mensaheng makapagpapalakas ng loob ng mga tao, maaari kayong magsalita.” Kaya't tumayo si Pablo at sinenyasan silang tumahimik, “Mga Israelita, at kayong lahat na may takot sa Diyos, makinig kayo! Ang Diyos ng ating bansang Israel ang pumili sa ating mga ninuno. Sila'y ginawa niyang isang malaking bansa habang naninirahan pa sila sa lupain ng Egipto, at sila'y inilabas niya doon sa pamamagitan ng kanyang dakilang kapangyarihan. Sa loob ng apatnapung taon, sila ay pinagtiisan niya sa ilang. Nilipol niya ang pitong bansa sa lupain ng Canaan at ibinigay sa mga Israelita ang lupain bilang pamana. Naganap ang lahat ng ito sa loob ng halos apatnaraan at limampung taon. “Pagkatapos, sila'y binigyan niya ng mga hukom, hanggang sa panahon ng propetang si Samuel. Nang humingi sila ng hari, ibinigay sa kanila ng Diyos si Saul na anak ni Cis, isang lalaking mula sa lipi ni Benjamin. Naghari si Saul sa loob ng apatnapung taon. At nang siya'y alisin ng Diyos, si David naman ang pinili ng Diyos upang maghari sa kanila. Sinabi ng Diyos tungkol sa kanya, ‘Si David, na anak ni Jesse, ay isang lalaking aking kinalulugdan, na handang sumunod sa lahat ng nais ko.’ “Sa angkan ng lalaking ito nagmula si Jesus, ang Tagapagligtas na ipinangako ng Diyos sa Israel. Bago siya dumating, nangaral si Juan sa buong Israel na dapat nilang pagsisihan at talikuran ang kanilang mga kasalanan, at magpabautismo. Nang matatapos na ni Juan ang kanyang gawain, sinabi niya sa mga tao, ‘Sino ba ako sa akala ninyo? Hindi ako ang Cristo. Ngunit siya'y darating na kasunod ko. At hindi ako karapat-dapat kahit magkalag man lamang ng kanyang sandalyas.’ “Mga kapatid kong mula sa lahi ni Abraham, at mga taong may takot sa Diyos, tayo ang pinadalhan ng balitang ito tungkol sa kaligtasan. Hindi nakilala ng mga taga-Jerusalem at ng kanilang mga pinuno na si Jesus ang Tagapagligtas. Hindi rin nila naunawaan ang mga pahayag ng mga propeta, na binabasa nila tuwing Araw ng Pamamahinga. Ngunit sila na rin ang nagsakatuparan ng pahayag na iyon nang si Jesus ay hatulan nila ng kamatayan. Kahit na wala silang sapat na dahilan upang siya'y ipapatay, hiniling pa rin nila kay Pilato na siya'y hatulan ng kamatayan. At nang matupad na nila ang lahat ng nasusulat tungkol sa kanya, siya ay ibinabâ nila sa krus at inilibing. “Subalit siya'y muling binuhay ng Diyos, at sa loob ng maraming araw, siya ay nagpakita sa mga sumama sa kanya sa Jerusalem mula sa Galilea. Ngayon, sila ang mga saksi niya sa mga Israelita. Ngayon ay dala namin sa inyo ang Magandang Balita, na ang pangako ng Diyos sa ating mga ninuno ay tinupad niya sa atin na kanilang mga anak, sa pamamagitan ng muling pagbuhay kay Jesus. Gaya ng nakasulat sa ikalawang Awit, ‘Ikaw ang aking Anak, sa araw na ito ako'y naging iyong Ama.’ Tungkol naman sa kanyang muling pagkabuhay at di pagkabulok ng kanyang katawan ay sinabi ng Diyos, ‘Ipagkakaloob ko sa inyo ang mga banal at maaasahang pagpapala gaya ng ipinangako ko kay David.’ At sinabi rin niya sa iba pang bahagi, ‘Hindi mo hahayaang makaranas ng pagkabulok ang iyong Banal.’ Nang maisagawa na ni David ang kalooban ng Diyos para sa kanyang kapanahunan, siya'y namatay at inilibing sa piling ng kanyang mga ninuno, at siya'y dumanas ng pagkabulok. Subalit ang muling binuhay ng Diyos ay hindi dumanas ng pagkabulok. Dapat ninyong malaman, mga kapatid, na sa pamamagitan ni Jesus ay ipinangangaral sa inyo ang kapatawaran ng mga kasalanan. At ang lahat ng sumasampalataya sa kanya ay pinalalaya na sa lahat ng pagkakasala na mula sa mga ito ay hindi kayo kayang palayain ng Kautusan ni Moises. Kaya't mag-ingat kayo upang hindi mangyari sa inyo ang sinabi ng mga propeta, ‘Tingnan ninyo, kayong mga nangungutya! Manggilalas kayo at mamatay! Sapagkat isasagawa ko sa inyong kapanahunan ang isang bagay na hindi ninyo paniniwalaan, kahit na may magpaliwanag pa nito sa inyo!’” Nang sina Pablo at Bernabe ay palabas na sa sinagoga, inanyayahan sila ng mga tao na magsalita muli tungkol sa mga bagay na ito sa susunod na Araw ng Pamamahinga. Pagkatapos ng pulong, sumunod kina Pablo at Bernabe ang maraming Judio at mga relihiyosong Hentil na nahikayat sa Judaismo. Nagsalita sa kanila ang mga apostol at pinangaralan silang magpatuloy sa pamumuhay nang nararapat ayon sa kagandahang-loob ng Diyos. Nang sumunod na Araw ng Pamamahinga, halos lahat ng tao sa lungsod ay nagkatipon upang makinig sa salita ng Panginoon. Inggit na inggit naman ang mga Judio nang makita nila ang napakaraming tao, kaya't nilait nila at sinalungat si Pablo. Ngunit buong tapang na sinabi nina Pablo at Bernabe, “Sa inyo muna sana dapat ipahayag ang salita ng Diyos. Ngunit dahil itinatakwil ninyo ito, hinahatulan ninyo ang inyong sarili na kayo'y hindi karapat-dapat sa buhay na walang hanggan, kaya't sa mga Hentil na lang kami pupunta. Ganito ang iniutos sa amin ng Panginoon, ‘Inilagay kitang liwanag sa mga Hentil upang magdala ng kaligtasan hanggang sa dulo ng daigdig.’” Nang marinig ng mga Hentil ang mga salitang iyon, sila'y nagalak at nagpuri sa salita ng Panginoon, at sumampalataya ang lahat ng hinirang para sa buhay na walang hanggan. Kaya't lumaganap sa buong lupain ang salita ng Panginoon. Ngunit ang mga pinuno ng lungsod at ang mga debotong babae na kilala sa lipunan ay sinulsulan ng mga Judio upang usigin sina Pablo at Bernabe at palayasin sa lupaing iyon. Kaya't ipinagpag ng dalawa ang alikabok sa kanilang mga paa bilang saksi laban sa mga tagaroon, at sila'y nagpunta sa Iconio. Ang mga alagad naman sa Antioquia ay napuspos ng kagalakan at ng Espiritu Santo. Gayundin ang nangyari sa Iconio; sina Pablo at Bernabe ay pumasok sa sinagoga ng mga Judio. Napakahusay ng kanilang pangangaral kaya't maraming Judio at Griego ang sumampalataya. Gayunman, may ilang Judiong ayaw sumampalataya. Sinulsulan pa nila ang mga Hentil at nilason ang isip ng mga ito laban sa mga kapatid. Nanatili roon nang matagal sina Pablo at Bernabe, at buong tapang silang nangaral tungkol sa Panginoon. Pinatunayan ng Panginoon na totoo ang pangangaral nila tungkol sa kanyang kagandahang-loob sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng kapangyarihang gumawa ng mga himala. Kaya't nahati ang mga tao sa lungsod; may pumanig sa mga Judio at may pumanig din sa mga apostol. Binalak ng ilang mga Hentil at mga Judio, kasama ng kanilang mga pinuno, na saktan at pagbabatuhin ang mga apostol. Subalit nang malaman iyon ng dalawa, sila'y tumakas papuntang Listra at Derbe na mga lungsod ng Licaonia, at sa mga karatig na lupain, at doon sila nangaral ng Magandang Balita. Sa Listra ay may isang lalaking hindi nakakalakad dahil lumpo na ito mula pa nang ito'y isilang. Siya'y nakaupong nakikinig sa pangangaral ni Pablo. Nang makita ni Pablo na ang lumpo ay may pananampalatayang siya'y mapapagaling, tinitigan niya ang lumpo at malakas na sinabi, “Tumayo ka nang tuwid!” Lumukso ang lalaki at nagsimulang lumakad. Nang makita ng mga taong-bayan ang ginawa ni Pablo, sumigaw sila sa wikang Licaonia, “Nanaog sa atin ang mga diyos sa anyong tao!” Tinawag nilang Zeus si Bernabe, at si Pablo nama'y Hermes, sapagkat siya ang pangunahing tagapagsalita. Nasa bungad ng lungsod ang templo ni Zeus. Ang pari ni Zeus ay nagdala ng mga toro at mga kuwintas na bulaklak sa may pintuan ng lungsod. Nais ng pari at ng mga tao na maghandog sa mga apostol. Nang malaman ito ng mga apostol na sina Bernabe at Pablo, pinunit nila ang kanilang mga damit at patakbong pumagitna sa mga tao. Sumigaw sila, “Mga ginoo, huwag ninyong gawin iyan! Mga tao rin kaming tulad ninyo! Ipinapangaral namin sa inyo ang Magandang Balita upang talikuran ninyo ang mga walang kabuluhang bagay na iyan, at manumbalik kayo sa Diyos na buháy na lumikha ng langit, lupa, dagat, at lahat ng naroroon. Sa mga panahong nakalipas, hinayaan niyang gawin ng lahat ng bansa anuman ang kani-kanilang maibigan. Gayunman, nagbigay siya ng sapat na katibayan upang makilala ninyo siya sa pamamagitan ng kabutihang ginagawa niya sa inyo. Binibigyan niya kayo ng ulan mula sa langit at ng masaganang ani sa takdang panahon. Binubusog niya kayo ng pagkain at pinupuno ng kagalakan ang inyong mga puso.” Sa kabila ng mga pananalitang ito, nahirapan pa rin sina Bernabe at Pablo na pigilan ang mga tao na sila'y alayan ng mga handog. Ngunit may mga Judiong dumating doon mula sa Antioquia at Iconio. Sinulsulan nila ang mga taga-Listra laban kay Pablo, kaya't siya'y pinagbabato nila. Pagkatapos, siya ay kinaladkad nila sa labas ng bayan, sa pag-aakalang siya'y patay na, subalit nang dumating ang mga alagad at palibutan siya, tumayo si Pablo at pumasok sa lungsod. Kinabukasan, nagpunta sila ni Bernabe sa Derbe. Ang Magandang Balita ay ipinangaral nina Pablo at Bernabe sa Derbe, at marami silang nahikayat na maging alagad. Pagkatapos, nagbalik sila sa Listra, Iconio, at Antioquia ng Pisidia. Pinalakas nila ang loob ng mga alagad at pinayuhang manatiling tapat sa pananampalataya. “Daranas muna tayo ng maraming kapighatian upang makapasok sa kaharian ng Diyos,” sabi nila sa mga alagad. Sa bawat iglesya ay nagtalaga sila ng mga matatandang mamumuno, at matapos manalangin at mag-ayuno, ang mga ito'y itinagubilin nila sa Panginoon na kanilang pinagtitiwalaan. Tinahak nila ang Pisidia at nakarating sila sa Pamfilia. Ipinangaral nila sa Perga ang salita ng Diyos at pagkatapos ay tumuloy sila sa Atalia. Mula roon, naglayag silang pabalik sa Antioquia. Dito sila ipinagkatiwala sa pagkalinga ng Diyos para sa gawaing kanilang natapos na. Pagdating sa Antioquia tinipon nila ang mga kaanib sa iglesya at isinalaysay ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila, at kung paanong nagbukas siya ng pagkakataon sa mga Hentil upang ang mga ito'y sumampalataya rin. At matagal silang nanatili roon kasama ng mga alagad. May dumating doon na ilang taong mula sa Judea at nagturo sa mga kapatid, “Kapag hindi kayo nagpatuli ayon sa kaugaliang itinuturo ni Moises, hindi kayo maliligtas.” Mahigpit itong tinutulan nina Pablo at Bernabe at naging mainitan ang kanilang pagtatalo. Kaya't napagpasyahang papuntahin sa Jerusalem sina Pablo at Bernabe at ilan pang kapatid na taga-Antioquia, upang ang suliraning ito ay isangguni sa mga apostol at sa matatandang pinuno ng iglesya. Isinugo nga sila ng iglesya at pagdaan nila sa Fenicia at Samaria, ibinalita nila roon na marami nang mga Hentil ang nahikayat sa pananampalataya. Ito nama'y labis na ikinagalak ng mga kapatid. Pagdating nila sa Jerusalem, malugod silang tinanggap ng mga apostol, ng mga matatandang pinuno, at ng buong iglesya. Isinalaysay nila ang lahat ng ginawa ng Diyos sa pamamagitan nila. Ngunit tumayo naman ang ilang mananampalatayang kabilang sa pangkat ng mga Pariseo at kanilang sinabi, “Kailangang tuliin at utusang tumupad sa Kautusan ni Moises ang mga Hentil na sumasampalataya.” Nagpulong ang mga apostol at ang matatandang namumuno sa iglesya upang pag-aralan ang suliraning ito. Pagkatapos ng mahabang pagtatalo, tumayo si Pedro at nagsalita, “Mga kapatid, nalalaman ninyo na noong mga nakaraang araw, hinirang ako ng Diyos upang mangaral ng Magandang Balita sa mga Hentil, at sila naman ay sumampalataya. Ang Diyos na nakakasaliksik ng puso ang nagpatotoo na sila'y tinatanggap niya nang ipagkaloob niya sa kanila ang Espiritu Santo tulad ng pagkakaloob niya sa atin. Walang pagkakaiba ang pagtingin ng Diyos sa kanila at sa atin; nilinis din niya ang kanilang puso sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya. Bakit sinusubok ninyo ang Diyos? Bakit ninyo iniaatang sa mga mananampalataya ang isang pasaning hindi nakayang dalhin ng ating mga ninuno at hindi rin natin kayang pasanin? Sumasampalataya tayo na tayo'y maliligtas sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Panginoong Jesus at gayundin sila.” Tumahimik ang buong kapulungan at nakinig sila habang isinasalaysay nina Bernabe at Pablo ang mga himalang ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan nila. Pagkatapos, si Santiago naman ang nagsalita, “Mga kapatid, makinig kayo sa akin. Katatapos pa lamang isalaysay ni Simon kung paano unang ipinamalas ng Diyos ang kanyang pagkalinga sa mga Hentil upang mula sa kanila ay may mga mapabilang sa kanyang bayan. Ito ay sumasang-ayon sa ipinahayag ng mga propeta, tulad ng nasusulat, ‘Pagkatapos nito ay babalik ako, at muli kong itatayo ang bumagsak na kaharian ni David. Muli ko itong ibabangon mula sa kanyang pagkaguho, upang ang Panginoon ay hanapin ng iba pang mga tao, ng lahat ng mga Hentil na tinawag ko upang maging akin. Ganoon ang sinabi ng Panginoon na nagpahayag ng mga bagay na ito mula pa noong una.’” Nagpatuloy si Santiago, “Kaya't ang pasya ko'y huwag nating pahirapan ang mga Hentil na lumalapit sa Diyos. Sa halip, sulatan natin sila na huwag kumain ng anumang inihandog sa diyus-diyosan, huwag makikiapid, at huwag kakain ng hayop [na binigti] at ng dugo. Sapagkat mula pa noong unang panahon, ang Kautusan ni Moises ay binabasa na sa mga sinagoga tuwing Araw ng Pamamahinga at ang aral niya ay itinuturo sa bawat bayan.” Kaya't minabuti ng mga apostol, ng matatandang pinuno ng iglesya, at ng buong iglesya na pumili ng ilan sa kanila upang suguin sa Antioquia, kasama nina Pablo at Bernabe. Ang mga napili nila ay si Judas na tinatawag na Barsabas at si Silas, na mga lalaking iginagalang ng mga kapatid. Ipinadala nila sa kanila ang sulat na ganito ang nilalaman: “Kaming mga apostol at ang matatandang pinuno ng iglesya, inyong mga kapatid, ay bumabati sa mga kapatid naming Hentil na nasa Antioquia, sa Siria at sa Cilicia. Nabalitaan naming ginugulo kayo ng ilang kasamahan naming galing dito, kahit na hindi namin sila inutusan. At binabagabag nila kayo sa pamamagitan ng kanilang itinuturo, kaya't napagkaisahan naming magpadala sa inyo ng mga sugo. Kasama sila ng ating minamahal na sina Bernabe at Pablo, mga taong hindi nag-atubiling itaya ang kanilang buhay sa paglilingkod sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Isinugo namin sa inyo sina Judas at Silas upang ipaliwanag ang sinasabi sa sulat na ito. Sapagkat minabuti namin at ng Espiritu Santo na huwag na kayong atangan ng iba pang pasanin maliban sa mga bagay na ito na talagang kailangan: huwag kayong kakain ng anumang inihandog sa mga diyus-diyosan, ng dugo at ng hayop na binigti, at huwag kayong makikiapid. Layuan ninyo ang mga iyan para sa ikabubuti ninyo. Paalam.” At pinalakad nila ang mga sugo. Pagdating sa Antioquia, tinipon ng mga ito ang mga kapatid at ibinigay ang sulat. Pagkabasa sa sulat, nagalak ang lahat dahil sa mensaheng nagpalakas ng kanilang loob. Sina Judas at Silas, na mga propeta rin, ay maraming itinuro sa mga kapatid na nakapagpasigla at nakapagpatibay ng kanilang pananampalataya. Ang dalawa'y tumigil doon nang kaunting panahon. Pagkatapos, sila'y pinabalik na taglay ang pagbati ng mga kapatid para sa mga nagsugo sa kanila. [ Ngunit minabuti ni Silas ang manatili doon.] Subalit nanatili sina Pablo at Bernabe sa Antioquia, at kasama ng marami pang iba ay nagturo at nangaral ng salita ng Panginoon. Makalipas ang ilang araw, sinabi ni Pablo kay Bernabe, “Balikan natin at dalawin ang mga kapatid sa mga bayan kung saan tayo nangaral ng salita ng Panginoon at tingnan natin kung ano ang kalagayan nila.” Nais ni Bernabe na isama si Juan na tinatawag ding Marcos. Ngunit ayaw ni Pablo, sapagkat hindi ito nagpatuloy na sumama sa kanilang gawain, sa halip, ito'y humiwalay sa kanila sa Pamfilia. Nagkaroon sila ng mainitang pagtatalo kaya't naghiwalay sila. Isinama ni Bernabe si Marcos at naglayag sila papuntang Cyprus. Isinama naman ni Pablo si Silas at sila'y umalis, matapos silang ipagkatiwala ng mga kapatid sa pag-iingat ng Panginoon. Naglakbay sila sa Siria at Cilicia at pinatatag ang mga iglesya roon. Nagpunta rin si Pablo sa Derbe at sa Listra. May isang alagad doon na ang pangala'y Timoteo. Ang kanyang ina ay isang mananampalatayang Judio at ang kanyang ama nama'y isang Griego. Mataas ang pagtingin ng mga kapatid sa Listra at sa Iconio kay Timoteo. Ibig isama ni Pablo si Timoteo kaya't tinuli niya ito alang-alang sa mga Judio sa lungsod na iyon, dahil alam nilang lahat na ang kanyang ama ay isang Griego. Sa bawat lungsod na kanilang dalawin, ipinaaalam nila sa mga kapatid ang pasya ng mga apostol at mga pinuno ng iglesya sa Jerusalem, at iniutos na sundin iyon. Kaya't tumibay sa pananampalataya ang mga kaanib ng mga iglesya, at araw-araw ay nadagdagan ang kanilang bilang. Sapagkat binawalan sila ng Espiritu Santo na mangaral sa lalawigan ng Asia, naglakbay sina Pablo sa lupain ng Frigia at Galacia. Pagdating sa hangganan ng Misia, papasok na sana sila sa Bitinia, subalit hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Jesus. Kaya't dumaan sila ng Misia at nagpunta sa Troas. Kinagabihan, nagkaroon si Pablo ng isang pangitain; isang lalaking taga-Macedonia ang nakatayo at nakikiusap sa kanya, “Pumarito kayo sa Macedonia at tulungan ninyo kami.” Pagkatapos ng pangitaing ito, gumayak agad kami sapagkat natiyak naming kami'y tinatawag ng Diyos upang ipangaral sa Macedonia ang Magandang Balita. Mula sa Troas, tuluy-tuloy kaming naglayag papuntang Samotracia, at kinabukasa'y sa Neapolis. Mula naman roo'y nagpunta kami sa Filipos, isang pangunahing lungsod na sakop ng mga Romano sa dakong iyon ng Macedonia. Nanatili kami roon nang ilang araw. At nang Araw ng Pamamahinga, lumabas kami ng lungsod at nagpunta sa tabing-ilog, sa pag-aakalang doon ay may pinagtitipunan ang mga Judio upang manalangin. Naupo kami at nakipag-usap sa mga babaing nagkakatipon doon. Kabilang sa mga nakikinig ang isang sumasamba sa Diyos na nagngangalang Lydia na taga-Tiatira; siya'y isang negosyante na nagtitinda ng mamahaling telang kulay ube. Binuksan ng Panginoon ang kanyang isip upang kanyang pakinggan ang ipinapangaral ni Pablo. Nagpabautismo siya at ang kanyang buong pamilya. Pagkatapos, sinabi niya, “Kung itinuturing po ninyo akong tunay na lingkod ng Panginoon, doon na kayo tumuloy sa amin.” Mahigpit ang kanyang anyaya kaya't hindi namin napahindian. Isang araw, nang kami'y papunta sa pook-dalanginan, nasalubong namin ang isang batang babaing alipin. Sinasapian siya ng masamang espiritu kaya siya nakakapanghula. Malaki ang kinikita ng kanyang mga amo dahil sa kanyang panghuhula. Sinundan-sundan niya kami nina Pablo, at sumisigaw ng ganito: “Ang mga taong ito'y lingkod ng Kataas-taasang Diyos! Ipinapahayag nila sa inyo kung paano kayo maliligtas!” Marami nang araw na ginagawa niya iyon kaya't nainis na si Pablo. Hinarap niya ang bata at sinabi sa espiritu, “Iniuutos ko sa iyo sa pangalan ni Jesu-Cristo, lumabas ka sa babaing iyan!” At noon di'y lumabas ang espiritu. Nang makita ng mga amo ng bata na nawala na ang kanilang pinagkakakitaan, sinunggaban nila sina Pablo at Silas, kinaladkad sa liwasang-bayan at iniharap sa mga maykapangyarihan. Iniharap sila sa mga pinuno ng lungsod at pinaratangan ng ganito: “Nanggugulo po sa lungsod ang mga Judiong ito. Nagtuturo sila ng mga kaugaliang labag sa kautusan nating mga Romano. Hindi natin maaaring sundin ang mga itinuturo nila.” Nakisali ang mga tao sa pananakit sa kanila, at pinahubaran sila ng mga pinuno at ipinahagupit. Pagkatapos hampasin nang paulit-ulit, sila'y ipinabilanggo at pinabantayang mabuti. Ipinasok sila ng bantay sa kaloob-looban ng bilangguan at inilagay ang kanilang mga paa sa pagitan ng dalawang mabibigat na kahoy. Nang maghahatinggabi na, sina Pablo at Silas ay nananalangin at umaawit ng mga himno sa Diyos, at nakikinig naman ang ibang mga bilanggo. Walang anu-ano'y lumindol nang malakas at nayanig pati ang mga pundasyon ng bilangguan. Biglang nabuksan ang mga pinto at nakalag ang mga tanikala ng lahat ng bilanggo. Nagising ang bantay ng bilangguan, at nang makita niyang bukás ang mga pinto, inakala niyang nakatakas ang mga bilanggo. Dahil dito'y binunot niya ang kanyang tabak at magpapakamatay na sana. Ngunit sumigaw si Pablo, “Huwag mong saktan ang iyong sarili! Narito kaming lahat!” Humingi ng ilaw ang bantay, patakbong pumasok at nanginginig na nagpatirapa sa harapan nina Pablo at Silas. Sila ay inilabas niya at sinabi, “Mga ginoo, ano po ang dapat kong gawin upang ako'y maligtas?” Sumagot naman sila, “Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus, at maliligtas ka, ikaw at ang iyong sambahayan.” At ang salita ng Panginoon ay ipinahayag nila sa kanya at sa lahat ng nasa kanyang bahay. Nang oras ding iyon, hinugasan ng bantay ang kanilang mga sugat at siya'y nagpabautismo, pati ang buo niyang sambahayan. Pagkatapos, sila ay isinama niya sa kanyang tahanan at ipinaghanda ng pagkain. Masayang-masaya ang bantay at ang kanyang buong sambahayan, sapagkat sila'y sumampalataya sa Diyos. Kinaumagahan, inutusan ng mga pinuno ng lungsod ang mga kawal na palayain sina Pablo at Silas. Kaya't sinabi ng bantay ng bilangguan kay Pablo, “Iniutos po ng mga pinuno na palayain na kayo. Lumabas na kayo at umalis nang mapayapa.” Subalit sinabi ni Pablo sa mga kawal, “Ipinahagupit nila kami nang hayagan at ipinabilanggo nang hindi man lang nilitis gayong kami'y mga mamamayang Romano! At ngayo'y palihim nila kaming palalayain? Hindi maaari! Sila ang pumarito at magpalaya sa amin.” Ipinaalam ng mga kawal sa mga pinuno ng lungsod ang sinabi ni Pablo, at natakot ang mga iyon nang malamang sina Pablo at Silas pala ay mamamayang Romano. Kaya't sila'y pumunta sa bilangguan at humingi ng paumanhin sa dalawa. Inilabas nila sina Pablo at Silas at pinakiusapang lisanin ang lungsod. Pagkalabas ng bilangguan, sina Pablo at Silas ay nagtuloy sa bahay ni Lydia at dinatnan nila roon ang mga kapatid. Bago umalis ang dalawa, pinagbilinan nila ang mga kapatid na magpakatatag sa pananampalataya. Dumaan sina Pablo at Silas sa Amfipolis at Apolonia, hanggang sa makarating sa Tesalonica. Sa lungsod na ito'y may sinagoga ang mga Judio, at ayon sa kinaugalian ni Pablo, siya'y pumasok doon. Sa loob ng tatlong magkakasunod na Araw ng Pamamahinga, siya ay nakipagpaliwanagan sa kanila. Mula sa Kasulatan ipinaliwanag niya at pinatunayan na kinailangang magdusa ang Cristo at muling mabuhay. Sinabi niya, “Ang Jesus na ito, na ipinapahayag ko sa inyo, ay ang Cristo!” Naniwala at nahikayat na sumama kina Pablo at Silas ang ilan sa kanila, gayundin ang maraming kababaihang kinikilala sa lungsod, at ang napakaraming debotong Griego. Ngunit nainggit ang mga Judio, kaya't tinipon nila ang mga palaboy sa lansangan at sila'y gumawa ng gulo sa lungsod. Nilusob nila ang bahay ni Jason at pilit na hinanap sina Pablo at Silas upang iharap sa bayan. Nang hindi nila matagpuan ang dalawa, kinaladkad nila si Jason at ilan sa mga kapatid at iniharap sa mga pinuno ng lungsod. Ganito ang kanilang sigaw: “Ang ating lungsod ay napasok ng mga taong nanggugulo kahit saan makarating, at sila'y pinatuloy ni Jason. Nilalabag nilang lahat ang mga batas ng Emperador. Sinasabi nilang may iba pang hari na ang pangala'y Jesus.” Kaya't nagulo ang taong-bayan at ang mga pinuno ng lungsod dahil sa sigawang ito. Si Jason at ang kanyang mga kasama'y pinagmulta ng mga pinuno bago pinalaya. Nang gabi ring iyon ay pinapunta ng mga kapatid sina Pablo at Silas sa Berea. Pagdating doon, sila'y pumasok sa sinagoga ng mga Judio. Mas bukás ang isipan ng mga Judiong tagaroon kaysa sa mga Judiong taga-Tesalonica. May pananabik silang nakinig sa mga paliwanag ni Pablo, at sinaliksik nila araw-araw ang mga Kasulatan upang tingnan kung totoo nga ang sinasabi niya. Sumampalataya ang maraming Judio roon, gayundin ang mga Griego, pawang mga lalaki at mga babaing kilala sa lipunan. Subalit nang mabalitaan ng mga Judio sa Tesalonica na ipinapangaral din ni Pablo sa Berea ang salita ng Diyos, sila'y nagpunta roon at sinulsulan ang taong-bayan upang gumawa ng gulo. Kaya't si Pablo'y dali-daling pinaalis ng mga kapatid at pinapunta sa tabing-dagat. Ngunit naiwan sina Silas at Timoteo. Ang mga naghatid kay Pablo ay sumama sa kanya hanggang sa Atenas. Pagkatapos, nagbalik sila sa Berea taglay ang bilin ni Pablo kina Silas at Timoteo na sumunod sa kanya sa lalong madaling panahon. Habang sina Silas at Timoteo'y hinihintay ni Pablo sa Atenas, napansin niyang puno ng mga diyus-diyosan ang lungsod kaya't nabagabag ang kanyang espiritu. Kaya't nakipagpaliwanagan siya sa loob ng mga sinagoga roon, sa mga Judio at sa mga Hentil na sumasamba sa Diyos, at sa sinumang makatagpo niya sa liwasang-bayan araw-araw. Nakipagtalo rin sa kanya ang ilang mga pilosopong Griego na mga Epicureo at Estoico. “Ano ba ang sinasabi sa atin ng nagmamarunong na iyan?” sabi ng ilan. Sabi naman ng iba, “Nangangaral yata tungkol sa ibang mga diyos.” Sinabi nila iyon dahil nangaral si Pablo tungkol kay Jesus at sa muling pagkabuhay. Siya'y isinama nila at iniharap sa kapulungan ng Areopago at tinanong, “Maaari bang malaman namin kung ano itong bagong aral na itinuturo mo? Bago sa aming pandinig ang sinasabi mo, kaya't nais naming malaman ang kahulugan nito.” Sapagkat walang ginagawa ang mga taga-Atenas at mga dayuhang naninirahan doon kundi ang mag-usap-usap at makinig tungkol sa mga bagong turo. Tumayo si Pablo sa harap ng kapulungan ng Areopago at nagsalita, “Mga taga-Atenas, napapansin kong kayo'y lubos na napaka-relihiyoso sa maraming bagay. Sapagkat sa paglalakad ko sa lungsod at pagmamasid sa inyong mga sinasamba, nakakita ako ng isang dambana na may nakasulat, ‘Sa Diyos na hindi kilala.’ Ang Diyos na inyong sinasamba kahit hindi ninyo nakikilala ang siya kong ipinapahayag sa inyo. Ang Diyos na gumawa ng sanlibutan at lahat ng naririto ay ang Panginoon ng langit at ng lupa, at hindi naninirahan sa mga templong ginawa ng tao. Hindi rin siya nangangailangan ng anumang tulong o paglilingkod ng tao, sapagkat siya mismo ang nagbibigay ng buhay, hininga at lahat ng bagay sa sangkatauhan. Mula sa isang tao'y nilikha niya ang lahat ng lahi sa buong mundo. Itinakda niya sa simula't simula pa ang kani-kanilang panahon at hangganan. Ginawa niya iyon upang hanapin nila ang Diyos; baka sakaling sa kanilang paghahanap, siya ay matagpuan nila. Ang totoo, hindi naman siya talagang malayo sa bawat isa sa atin; sapagkat, ‘Nakasalalay sa kanya ang ating buhay, pagkilos at pagkatao.’ Tulad ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata, ‘Tayo nga'y mga anak niya.’ Sapagkat tayo'y mga anak ng Diyos, huwag nating akalain na ang kanyang pagka-Diyos ay mailalarawan ng ginto, pilak, o bato na pawang likha ng isip at gawa ng kamay ng tao. Sa mga nagdaang panahon ay pinalampas ng Diyos ang di pagkakilala sa kanya ng mga tao, ngunit ngayon ay iniuutos niya sa lahat ng tao sa bawat lugar na magsisi't talikuran ang kanilang masamang pamumuhay. Sapagkat itinakda na niya ang araw ng paghuhukom sa sanlibutan, at ito'y buong katarungan niyang gagawin sa pamamagitan ng isang tao na kanyang hinirang. Pinatunayan niya ito sa lahat nang muli niyang binuhay ang taong iyon.” Nang marinig nila ang sinabi ni Pablo tungkol sa muling pagkabuhay, tinuya siya ng ilan. Sinabi naman ng iba, “Nais naming mapakinggan kang muli tungkol dito.” At iniwan ni Pablo ang mga tao. May ilang sumama sa kanya at sumampalataya sa Diyos. Kabilang dito sina Dionisio na kaanib ng kapulungan ng Areopago, isang babaing nagngangalang Damaris, at mga iba pa. Pagkatapos, umalis si Pablo sa Atenas at nagpunta sa Corinto. Nakilala niya roon si Aquila, isang Judiong taga-Ponto. Kararating pa lamang nito mula sa Italia kasama ang kanyang asawang si Priscila. Umalis sila roon sapagkat pinalayas ni Emperador Claudio ang lahat ng Judio sa Roma. Nakipagkita sa kanila si Pablo, at dahil sila'y manggagawa ng tolda tulad niya, siya ay nakitira sa kanila, at siya'y nagtrabahong kasama nila. Tuwing Araw ng Pamamahinga, si Pablo ay nakikipagpaliwanagan sa mga sinagoga, at sinisikap niyang mahikayat sa pananampalataya ang lahat, maging Judio o Griego. Nang dumating sina Silas at Timoteo mula sa Macedonia, iniukol na ni Pablo ang buo niyang panahon sa pangangaral at pagpapatunay sa mga Judio na si Jesus ang Cristo. Nang siya'y salungatin at laitin ng mga ito, ipinagpag niya ang alikabok sa kanyang damit bilang babala sa kanila. Sinabi niya, “Kasalanan na ninyo kung kayo'y mapahamak! Hindi ko na sagutin iyon! Mula ngayo'y sa mga Hentil na ako mangangaral.” Kaya't umalis siya roon at tumira sa bahay ni Ticio Justo, isang Hentil na may takot sa Diyos. Katabi ng sinagoga ang bahay nito. Si Crispo, na tagapamahala ng sinagoga, at ang kanyang sambahayan ay nanalig sa Panginoon. Marami pang mga taga-Corinto na nakinig kay Pablo ang sumampalataya at nagpabautismo. Isang gabi, sinabi ng Panginoon kay Pablo sa pamamagitan ng isang pangitain, “Huwag kang matakot! Ipagpatuloy mo ang iyong pangangaral! Anuman ang mangyari'y huwag kang titigil sapagkat ako'y nasa iyo. Hindi ka maaano sapagkat marami akong tagasunod sa lungsod na ito.” Kaya't nanatili siya roon at ipinangaral niya ang salita ng Diyos sa loob ng isang taon at kalahati. Subalit nang si Galio ay naging gobernador ng Acaya, nagsama-sama ang mga Judio sa pagdakip kay Pablo at pagdadala sa kanya sa hukuman. Pagdating nila doon ay sinabi nila, “Hinihikayat ng taong ito ang mga mamamayan na sumamba sa Diyos sa paraang labag sa batas!” Magsasalita na sana si Pablo nang sabihin ni Galio, “Kung ang usaping ito'y tungkol sa isang mabigat na pagkakasala o paglabag sa batas, makatuwirang pakinggan ko kayo. Subalit ang sakdal ninyo'y tungkol lamang sa mga salita at mga pangalan, at sa kautusan ninyong mga Judio, kaya kayo na ang bahalang lumutas niyan. Ayaw kong humatol sa bagay na iyan.” At sila'y pinalabas niya sa hukuman. Kaya't si Sostenes na tagapamahala ng sinagoga ang sinunggaban nila at binugbog sa harapan ng hukuman. Hindi naman iyon pinansin ni Galio. Pagkatapos nito, matagal pang nanatili si Pablo sa Corinto at saka nagpaalam sa mga kapatid. Pagdating sa Cencrea, nagpagupit siya ng buhok sapagkat natupad na niya ang kanyang panata. Sumakay siya sa barkong papuntang Siria, kasama ang mag-asawang Priscila at Aquila. Pagdating sa Efeso, iniwan ni Pablo ang dalawa, at siya'y pumasok sa sinagoga ng mga Judio at nakipagpaliwanagan sa mga naroon. Hiniling nilang tumigil siya roon nang mahaba-habang panahon, ngunit siya'y tumanggi. Sa halip, sinabi niya nang siya'y magpaalam sa kanila, “Babalik ako rito, kung loloobin ng Diyos.” Umalis siya sa Efeso, sakay ng isang barko. Pagdating sa Cesarea, pumunta siya sa Jerusalem at bumati sa iglesya. Pagkatapos, siya'y nagtuloy sa Antioquia. Tumigil siya roon nang kaunting panahon, at pagkatapos ay muling naglakbay. Pinuntahan niya ang mga bayan sa lupain ng Galacia at Frigia, at pinatatag sa pananampalataya ang mga alagad doon. Dumating sa Efeso ang isang Judiong nagngangalang Apolos. Siya'y taga-Alejandria, mahusay magtalumpati at maraming alam sa Banal na Kasulatan. Naturuan siya tungkol sa Daan ng Panginoon, at masigasig na nangangaral at nagtuturo nang wasto tungkol kay Jesus. Ngunit hanggang sa bautismo ni Juan lamang ang kanyang nalalaman. Siya'y buong tapang na nagsasalita sa sinagoga ng mga Judio. Nang marinig ng mag-asawang Aquila at Priscila ang pagpapaliwanag ni Apolos, siya'y isinama nila sa kanilang bahay at doo'y pinaliwanagan nang mas mabuti tungkol sa Daan ng Diyos. At nang ipasya niyang pumunta sa Acaya, pinalakas ng mga kapatid ang kanyang loob at sumulat sila sa mga mananampalataya sa Acaya na tanggapin si Apolos. Pagdating niya doon, malaki ang naitulong niya sa mga taong dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay sumampalataya, sapagkat nadaig niya ang mga Judio sa kanilang pagtatalo sa harap ng madla. Sa pamamagitan ng mga Kasulatan ay pinatunayan niyang si Jesus ang Cristo. Habang nasa Corinto si Apolos, tinahak naman ni Pablo ang iba't ibang dako ng lalawigan hanggang sa siya'y makarating sa Efeso. May natagpuan siya roon na ilang alagad at sila'y tinanong niya, “Tinanggap ba ninyo ang Espiritu Santo nang kayo'y sumampalataya?” “Hindi po, ni hindi namin narinig na may Espiritu Santo pala,” tugon nila. “Kung gayon, anong uri ng bautismo ang tinanggap ninyo?” tanong niya. “Bautismo ni Juan,” tugon nila. Kaya't sinabi ni Pablo, “Binautismuhan ni Juan ang mga nagsisi at tumalikod sa kasalanan. Ipinangaral niya sa mga Israelita na sila'y sumampalataya kay Jesus, ang dumarating na kasunod niya.” Nang marinig nila iyon, nagpabautismo sila sa pangalan ng Panginoong Jesus. Nang ipatong ni Pablo ang kanyang kamay sa kanila, bumabâ sa kanila ang Espiritu Santo at sila'y nagsalita ng iba't ibang wika at nagpahayag ng mensahe mula sa Diyos. Humigit-kumulang sa labindalawang lalaki ang nagpabautismo. Sa loob ng tatlong buwan, si Pablo'y pumapasok sa sinagoga at buong tapang na nagpapaliwanag sa mga naroon at hinihikayat sila tungkol sa kaharian ng Diyos. Ngunit may ilan sa kanila na nagmatigas at ayaw sumampalataya, at nagsalita pa ng masama laban sa Daan sa harap ng kapulungan. Kaya't iniwan ni Pablo ang sinagoga kasama ang mga mananampalataya at nagpatuloy ng kanyang pangangaral araw-araw sa bulwagan ni Tirano. Tumagal siya roon nang dalawang taon, kaya't ang lahat ng naninirahan sa Asia, maging Judio o Griego ay nakarinig ng salita ng Panginoon. Gumawa ang Diyos ng mga pambihirang himala sa pamamagitan ni Pablo. Kahit panyo o damit na kanyang ginamit ay dinala sa mga maysakit, at gumaling ang mga ito at lumayas ang masasamang espiritung nagpapahirap sa kanila. May ilang Judio roon na naglilibot at nagpapalayas ng masasamang espiritu. Pinangahasan nilang gamitin ang pangalan ng Panginoong Jesus sa pagpapalayas ng masasamang espiritu sa mga sinasapian ng mga ito. Sinabi nila, “Sa pangalan ni Jesus na ipinapangaral ni Pablo, iniuutos ko sa inyo, lumayas kayo.” Kabilang sa gumagawa nito ay ang pitong anak na lalaki ni Esceva, isang pinakapunong pari ng mga Judio. Subalit sinagot sila ng masamang espiritu, “Kilala ko si Jesus at kilala ko rin si Pablo, ngunit sino kayo?” At sila'y nilundag ng lalaking sinasapian ng masamang espiritu, tinalo silang lahat at malubhang sinaktan, anupa't hubad at sugatan silang tumakas sa bahay na iyon. Nabalitaan iyon ng lahat ng naninirahan sa Efeso, maging Judio o Hentil, kaya't natakot silang lahat at pinuri ang pangalan ng Panginoong Jesus. Marami sa mga sumampalataya ang dumating at nagpahayag ng mga dati nilang gawain. Marami sa mga dating gumagamit ng mahika ang nagtipon ng kanilang mga aklat at sinunog ang mga ito sa harap ng madla. Sa kabuuan, ang halaga ng mga ito ay umabot sa limampung libong salaping pilak. Sa ganitong makapangyarihang paraan ay lumaganap at nagtagumpay ang salita ng Panginoon. Pagkatapos ng mga pangyayaring ito, sa patnubay ng Espiritu ay nagpasya si Pablo na maglakbay sa Macedonia at Acaya papuntang Jerusalem. “Kailangan ko ring pumunta sa Roma pagkagaling sa Jerusalem,” sabi niya. Pinauna niya sa Macedonia sina Timoteo at Erasto, dalawa sa kanyang mga kamanggagawa, at siya'y tumigil sa Asia nang kaunti pang panahon. Nang panahong iyon ay nagkaroon ng isang malaking kaguluhan dahil sa Daan ng Panginoon. May isang panday-pilak na nagngangalang Demetrio, na gumagawa ng maliliit na templong pilak ng kanilang diyosang si Artemis, at ito'y pinagkakakitaan nang malaki. Tinipon niya ang kanyang mga manggagawa at ang iba pang mga taong ganito rin ang hanapbuhay. Sinabi niya, “Mga kasama, alam ninyong sa gawaing ito nagmumula ang ating masaganang pamumuhay. Nakikita ninyo't naririnig kung ano ang ginagawa ng Pablong iyan. Sinasabi niyang ang mga diyos na ginawa ng kamay ng tao ay hindi raw diyos, at marami siyang napapaniwala, hindi lamang dito sa Efeso kundi sa buong Asia. Nanganganib na magkaroon ng masamang pangalan ang ating hanapbuhay. Hindi lang iyon, nanganganib din na ang templo ng dakilang diyosang si Artemis ay mawalan ng kabuluhan, at ang dakilang diyosa na sinasamba ng Asia at ng buong daigdig ay hindi na igagalang.” Pagkarinig nito, nagsiklab ang kanilang galit at sila'y nagsigawan, “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!” Kaya't nagkagulo ang mga tao sa buong lungsod; sama-sama silang sumugod sa tanghalan at kinaladkad nila roon sina Gaius at Aristarco, mga taga-Macedoniang kasama ni Pablo sa paglalakbay. Nais sana ni Pablong humarap sa madla, ngunit hindi siya pinayagan ng mga kapatid. Nagpasugo rin sa kanya ang ilang kaibigang mga pinuno sa lalawigang Asia. Mahigpit siyang pinakiusapang huwag pumunta sa tanghalan. Magulung-magulo ang kapulungan; may sumisigaw ng isang bagay, at ang iba'y iba naman. Hindi alam ng karamihan kung bakit sila nagkatipun-tipon doon. Inakala ng ilang naroon na si Alejandro ang dahilan sapagkat siya ang ibinungad ng mga Judio sa madla. Sumenyas si Alejandro sa mga tao na tumahimik upang siya'y makapagpaliwanag. Subalit nang makilala nilang siya'y isang Judio, sabay-sabay silang sumigaw sa loob ng dalawang oras, “Dakila si Artemis ng mga taga-Efeso!” Sa wakas ang mga tao'y napatahimik ng isang opisyal ng lungsod. At kanyang sinabi, “Mga taga-Efeso! Sino ang hindi nakakaalam na ang lungsod ng Efeso ang siyang tagapag-ingat ng templo ng dakilang Artemis at ng banal na batong nahulog mula sa langit? Hindi maaaring pabulaanan ninuman ang mga bagay na ito. Kaya't huminahon kayo! Huwag kayong magpabigla-bigla. Hindi naman nagnanakaw sa templo ang mga taong dinala ninyo rito. Hindi rin nila nilalait ang ating diyosa. Kung si Demetrio at ang mga manggagawang kasama niya ay may reklamo laban sa kaninuman, bukás ang mga hukuman, at may mga pinuno tayo. Doon sila magsakdal. Ngunit kung may iba pa kayong habol, maaaring pag-usapan iyan sa isang pagpupulong ng mga mamamayan na naaayon sa batas. Dahil sa nangyari ngayong araw na ito, maaaring maparatangan tayo na nanggugulo sa bayan, at wala tayong maibibigay na dahilan o katuwiran sa kaguluhang ito.” Pagkatapos, pinauwi na niya ang mga tao. Nang tumigil na ang gulo, ipinatawag ni Pablo ang mga alagad at pinalakas ang kanilang loob. Pagkatapos, nagpaalam siya at nagpunta sa Macedonia. Dinalaw niya ang mga bayan-bayan doon at pinalakas ang loob ng mga alagad sa pamamagitan ng kanyang pangangaral. Nagpatuloy siya hanggang sa dumating siya sa Grecia at nanatili doon sa loob ng tatlong buwan. Aalis na sana siya papuntang Siria ngunit nabalitaan niyang may tangka ang mga Judio laban sa kanya, kaya't ipinasya niyang sa Macedonia na uli magdaan sa kanyang pagbabalik. Sumama sa kanya ang taga-Bereang si Sopater na anak ni Pirro, gayundin sina Aristarco at Segundo na mga taga-Tesalonica, si Gaius na taga-Derbe, si Timoteo, at sina Tiquico at Trofimo na mga taga-Asia. Nauna sila at naghintay sa amin doon sa Troas. Kami naman ay sumakay sa barko mula sa Filipos pagkaraan ng Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa, at dumating kami sa Troas nang ikalimang araw. Nanatili kami roon nang pitong araw. Nang unang araw ng sanlinggo, kami'y nagkatipon upang magpira-piraso ng tinapay. Si Pablo'y nangaral sa kanila hanggang hatinggabi, sapagkat aalis na siya kinabukasan. Maraming ilaw sa silid sa itaas na pinagtitipunan namin. Nakaupo sa bintana ang isang binata na ang pangala'y Eutico. Dahil sa kahabaan ng pagsasalita ni Pablo, si Eutico ay inantok at nakatulog nang mahimbing. Nahulog siya mula sa ikatlong palapag na kanyang kinaroroonan, kaya't patay na siya nang buhatin. Nanaog si Pablo at niyakap ang binata. Sinabi niya, “Huwag kayong mabahala, buháy siya!” Muling pumanhik si Pablo, nagpira-piraso ng tinapay at kumain. Pagkatapos, nakipag-usap pa siya sa kanila nang matagal hanggang mag-uumaga, at saka umalis. Ang binata naman ay buháy na iniuwi, at ito'y nagdulot sa kanila ng malaking kaaliwan. Sumakay kami sa barkong papuntang Asos. Doon kami magkikita ni Pablo ayon sa bilin niya sa amin, sapagkat nais niyang sa lupa magdaan papunta roon at hindi sa dagat. Nang magkita kami sa Asos, sumakay siya sa barkong sinasakyan namin at sama-sama kaming pumunta sa Mitilene. Mula roon, patuloy kaming naglakbay at kinabukasa'y dumating kami sa tapat ng Quio. Nang sumunod na araw, dumaan kami sa Samos, at makaraan ang isa pang araw ay dumating kami sa Mileto. Ipinasya ni Pablong lampasan ang Efeso upang huwag siyang maantala sa Asia, sapagkat ibig niyang nasa Jerusalem na siya sa araw ng Pentecostes. Mula sa Mileto, ipinatawag ni Pablo ang mga matatandang pinuno ng iglesyang nasa Efeso. Pagdating nila ay kanyang sinabi, “Nalalaman ninyo kung paano ko ginugol ang buong panahong ipinamalagi ko sa inyong piling, mula noong unang araw na ako'y tumuntong sa Asia. Buong kapakumbabaan at lumuluhang naglingkod ako sa Panginoon, at nagtiis ng maraming pagsubok dahil sa mga pagtatangka ng mga Judio. Sa aking pagtuturo at pangangaral sa inyo, maging sa harapan ng madla o sa bahay-bahay man, hindi ako nangiming magsabi sa inyo ng anumang ikabubuti ninyo. Maging Judio o Griego man ay pinangaralan kong tumalikod sa kasalanan, manumbalik sa Diyos at manalig sa ating Panginoong Jesus. Ngayon, bilang pagsunod sa Espiritu Santo, ako'y pupunta sa Jerusalem at hindi ko alam kung ano ang mangyayari sa akin doon. Ang tanging nalalaman ko ay ito: binalaan ako ng Espiritu Santo na pagkabilanggo at kapighatian ang naghihintay sa akin sa bawat bayang dadaanan ko. Subalit walang halaga sa akin ang aking buhay magawâ ko lamang ang aking tungkulin at matapos ang gawaing tinanggap ko mula sa Panginoong Jesus, ang pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos para sa tao. “Nakisalamuha ako sa inyo habang nangangaral tungkol sa Kaharian. Ngayon, alam kong hindi na ninyo ako makikitang muli. Kaya't sa araw na ito'y sinasabi ko, wala akong pananagutan kung mapahamak ang sinuman sa inyo, sapagkat hindi ako nag-atubiling ipahayag sa inyo ang buong layunin ng Diyos. Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na inilagay ng Espiritu Santo sa inyong pangangasiwa. Pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos na kanyang tinubos sa pamamagitan ng dugo ng kanyang Anak. Alam kong pagkaalis ko'y magsisipasok ang mababangis na asong-gubat at walang patawad nilang lalapain ang kawan. Mula na rin sa inyo'y may lilitaw na mga taong magsasalita ng kasinungalingan upang mahikayat na sumunod sa kanila ang mga alagad. Kaya't mag-ingat kayo. Alalahanin ninyong tinuruan ko kayo araw at gabi sa loob ng tatlong taon, at maraming luha ang pinuhunan ko. “At ngayo'y itinatagubilin ko kayo sa Diyos at sa kanyang salitang nagpapahayag ng kanyang kagandahang-loob. Ito ang makakapagpatibay sa inyo at makakapagbigay ng mga pagpapalang inilaan sa lahat ng kanyang ginawang banal. Hindi ko hinangad ang ginto, pilak o pananamit ninuman. Alam ninyong nagbanat ako ng buto upang kumita ng ikabubuhay naming magkakasama. Sa lahat ng pagkakataon, ipinakita ko sa inyo na sa pamamagitan ng ganitong pagtatrabaho ay dapat ninyong tulungan ang mahihina. Alalahanin natin ang mga salita ng Panginoong Jesus, ‘Higit na pinagpala ang nagbibigay kaysa tumatanggap.’” Pagkasabi nito, lumuhod si Pablo at nanalanging kasama nila. Silang lahat ay umiiyak na yumakap at humalik kay Pablo. Labis nilang ikinalungkot ang kanyang sinabing siya'y hindi na nila muling makikita. At siya'y inihatid nila sa barko. Pagkatapos naming magpaalam sa kanila, kami'y naglakbay papuntang Cos. Kinabukasan, dumating kami sa Rodas at mula roo'y nagpatuloy kami sa Patara. Dinatnan namin doon ang isang barkong papuntang Fenicia, kaya't lumipat kami sa nasabing sasakyan. Dumaan kami sa tapat ng Cyprus na natatanaw sa gawing kaliwa. Nagpatuloy kami papuntang Siria, ngunit huminto muna sa Tiro ang barko sapagkat magbababâ roon ng kargamento. Hinanap namin ang mga alagad na naroon at nakituloy kami sa kanila sa loob ng pitong araw. Sa patnubay ng Espiritu, sinabi nila kay Pablo na huwag pumunta sa Jerusalem. Nang dumating ang araw ng aming pag-alis, nagpatuloy kami sa paglalakbay. Kami ay inihatid nilang lahat, kasama ang kanilang mga asawa't mga anak, hanggang sa labas ng lungsod. Pagdating sa tabing-dagat, lumuhod kaming lahat at nanalangin. Pagkatapos naming magpaalam, sumakay na kami sa barko, at sila'y nagsiuwi na. Mula sa Tiro, nagpatuloy kami ng paglalakbay at nakarating kami sa Tolemaida. Kinumusta namin ang mga kapatid at tumigil kami doon nang isang araw. Kinabukasan, tumuloy kami sa Cesarea sa bahay ng ebanghelistang si Felipe, isa sa pitong lalaking hinirang noong una sa Jerusalem. Siya'y may apat na anak na dalaga na pawang mga propeta. Makalipas ang ilang araw, dumating mula sa Judea ang isang propetang ang pangala'y Agabo. Pinuntahan niya kami, kinuha ang pamigkis ni Pablo at ginapos ang sariling paa at kamay. Sabi niya, “Ito ang sabi ng Espiritu Santo, ‘Ganito gagapusin ng mga Judio sa Jerusalem ang may-ari ng pamigkis na ito, at siya'y ibibigay sa kamay ng mga Hentil.’” Pagkarinig nito, kami naman at ang mga tagaroon ay nakiusap kay Pablo na huwag na siyang pumunta sa Jerusalem. Ngunit sumagot siya, “Ano ang ginagawa ninyo? Sa pag-iyak ninyong iyan ay dinudurog ninyo ang aking puso. Handa ako, hindi lamang magpagapos, kundi kahit mamatay doon sa Jerusalem alang-alang sa pangalan ng Panginoong Jesus.” Tumigil na kami nang hindi namin siya mapigilan. Nasabi na lamang namin, “Masunod ang kalooban ng Panginoon.” Makalipas ang ilang araw, gumayak kami at umalis papuntang Jerusalem. Sumama sa amin ang ilan sa mga alagad na taga-Cesarea at dinala nila kami sa bahay ni Mnason na taga-Cyprus, kung saan kami makikituloy. Si Mnason ay matagal nang mananampalataya. Pagdating sa Jerusalem, malugod kaming tinanggap ng mga kapatid. Kinabukasan, kami nina Pablo'y nakipagkita kay Santiago; naroon din ang mga matatandang pinuno ng iglesya. Binati ni Pablo ang mga naroon at isa-isa niyang isinalaysay ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan ng kanyang paglilingkod. Nang marinig nila ito, sila'y nagpuri sa Diyos at kanilang sinabi kay Pablo, “Alam mo, kapatid, may ilang libo na ang mga Judiong nananalig kay Jesus, at silang lahat ay masigasig sa pagtupad ng Kautusan. May nakapagbalita sa kanila na itinuturo mo raw sa lahat ng Judiong naninirahan sa mga bansang Hentil na tumalikod sa katuruan ni Moises. At sinasabi mo raw na huwag na nilang tuliin ang kanilang mga anak, ni sundin ang kaugalian ng mga Judio. Ano ngayon ang nararapat nating gawin? Tiyak na mababalitaan nilang dumating ka. Ito ang gawin mo. Mayroon ditong apat na lalaking may panata, isama mo sila at tuparin ninyo ang paglilinis ayon sa Kautusan. Ikaw na ang bahala sa magagastos, at nang sa gayon ay mapaahitan na nila ang kanilang ulo. Sa ganitong paraa'y malalaman ng lahat na hindi totoo ang balita tungkol sa iyo, kundi sumusunod ka pa rin sa Kautusan ni Moises. Tungkol naman sa mga mananampalatayang Hentil, nagpadala na kami ng liham sa kanila kung saan sinabi namin ang aming pasya. Sinabi naming huwag silang kakain ng anumang inihandog sa diyus-diyosan, huwag kakain ng dugo at ng hayop na binigti, at huwag makikiapid.” Kinabukasan, isinama nga ni Pablo ang mga lalaki at isinagawa nila ang seremonya ng paglilinis. Pagkatapos, siya'y pumasok sa Templo at ipinagbigay-alam kung kailan matatapos ang takdang panahon ng paglilinis upang maialay ang handog para sa bawat isa sa kanila. Nang matatapos na ang takdang pitong araw, si Pablo'y nakita sa Templo ng ilang Judiong taga-Asia. Sinunggaban nila si Pablo at inudyukan ang mga tao. “Mga kababayan, tulungan ninyo kami!” sigaw nila. “Ang taong ito ang nagtuturo sa lahat saan man siya makarating ng mga bagay laban sa bansang Israel, laban sa Kautusan ni Moises, at laban sa Templong ito. Bukod pa diyan, nagsama pa siya ng mga Hentil sa loob ng Templo, at nilapastangan niya ang banal na lugar na ito!” Ganoon ang sinabi nila sapagkat nakita nilang kasama ni Pablo sa lungsod si Trofimo na taga-Efeso. Inakala nilang isinama siya ni Pablo sa loob ng Templo. Nagulo ang buong lungsod, at dumagsa ang mga taong-bayan. Sinunggaban nila si Pablo at kinaladkad palabas sa Templo, at agad isinara ang pintuan. Balak nilang patayin si Pablo, ngunit nabalitaan ng pinuno ng mga sundalo na nagkakagulo sa buong Jerusalem. Kaya't nagsama agad ito ng mga opisyal at mga kawal, at dali-daling nagtungo sa kinaroroonan ng mga tao. Pagkakita sa kanila, itinigil ng mga tao ang pagbugbog kay Pablo. Lumapit ang pinuno, dinakip si Pablo at ipinagapos ng dalawang tanikala. “Sino ang taong ito? Ano ang kanyang ginawa?” tanong niya. Iba-iba ang isinisigaw ng mga tao. Dahil sa sobrang gulo ng mga tao, hindi maunawaan ng pinuno kung ano talaga ang nangyari, kaya't ipinadala niya si Pablo sa himpilan. Pagdating nila sa hagdanan, si Pablo'y binuhat na ng mga kawal sapagkat naging marahas ang mga tao na sumusunod sa kanila at sumisigaw, “Patayin siya!” Nang ipapasok na si Pablo sa himpilan, sinabi niya sa pinuno, “Maaari ko po ba kayong makausap?” “Marunong ka palang magsalita ng wikang Griego?” tugon ng pinuno. “Kung gayon, hindi ikaw ang Egipciong kailan lamang ay nanguna sa paghihimagsik at namuno sa apat na libong armadong lalaki sa ilang.” Sumagot si Pablo, “Ako po'y isang Judio, tubo sa Tarso ng Cilicia at mamamayan ng kilalang lungsod na iyon. Ipinapakiusap ko sa inyo na ako'y payagan ninyong makapagsalita sa mga tao.” Pinayagan naman siya ng pinuno, kaya't tumayo si Pablo sa baytang at sumenyas sa mga tao. At nang sila'y tumahimik, nagsalita si Pablo sa wikang Hebreo, “Mga magulang at mga kapatid, pakinggan ninyo ang sasabihin ko ngayon bilang pagtatanggol sa aking sarili.” Nang siya'y marinig nilang nagsasalita sa wikang Hebreo, lalo silang tumahimik. Kaya't nagpatuloy si Pablo, “Ako'y isang Judiong ipinanganak sa Tarso, sa lalawigan ng Cilicia, ngunit lumaki rito sa Jerusalem. Ang aking guro ay si Gamaliel at buong higpit niya akong tinuruan sa Kautusan ng ating mga ninuno. Ako'y masugid na naglilingkod sa Diyos tulad ninyong lahat na naririto ngayon. Inusig ko at ipinapatay ang mga sumusunod sa Daang ito. Ipinagapos ko sila't ipinabilanggo, maging lalaki o maging babae. Makakapagpatotoo tungkol dito ang pinakapunong pari at ang buong kapulungan ng mga matatandang pinuno ng bayan. Binigyan pa nga nila ako ng mga sulat para sa mga Judio sa Damasco, kaya't pumunta ako roon upang dakpin ang mga kaanib ng Daang ito at dalhin sila dito sa Jerusalem nang nakagapos upang parusahan.” “Nang malapit na ako sa Damasco, magtatanghaling-tapat noon, may biglang kumislap sa aking paligid na isang matinding liwanag mula sa langit. Bumagsak ako sa lupa at narinig ko ang isang tinig na nagsalita sa akin, ‘Saulo, Saulo! Bakit mo ako inuusig?’ Ako'y sumagot, ‘Sino po kayo, Panginoon?’ ‘Ako ang iyong pinag-uusig na si Jesus na taga-Nazaret,’ tugon ng tinig. Nakita ng mga kasama ko ang liwanag, ngunit hindi nila narinig ang tinig na nagsasalita sa akin. ‘Ano po ang gagawin ko, Panginoon?’ tanong ko. At tumugon ang Panginoon, ‘Tumayo ka at pumunta sa Damasco. Sasabihin sa iyo roon ang lahat ng itinakda na dapat mong gawin.’ Nabulag ako dahil sa matinding liwanag na iyon, kaya't ako'y inakay na lamang ng mga kasama ko at dinala sa Damasco. “Doon ay nakatira si Ananias. Siya ay tapat na sumusunod sa Kautusan at iginagalang ng mga Judiong naninirahan doon. Pinuntahan niya ako, tumayo sa tabi ko at sinabi sa akin, ‘Kapatid na Saulo, makakita kang muli.’ Noon di'y nakakita akong muli at tumingin ako sa kanya, at sinabi niya sa akin, ‘Pinili ka ng Diyos ng ating mga ninuno upang malaman mo ang kanyang kalooban, makita ang kanyang Matuwid na Lingkod at marinig ang kanyang tinig. Sapagkat ikaw ay magiging saksi niya upang patotohanan sa lahat ng tao ang iyong nakita at narinig. At ngayon, ano pa ang hinihintay mo? Tumayo ka na, magpabautismo at tumawag ka sa kanyang pangalan upang mapatawad ka sa iyong mga kasalanan.’” “Nagbalik ako rito sa Jerusalem, at habang ako'y nananalangin sa Templo, nagkaroon ako ng isang pangitain. Nakita ko ang Panginoon na nagsasalita sa akin, ‘Madali ka! Lisanin mo agad ang Jerusalem sapagkat hindi tatanggapin ng mga tao rito ang iyong patotoo tungkol sa akin.’ Sabi ko naman, ‘Panginoon, alam na alam nilang isa-isa kong pinuntahan ang mga sinagoga upang ipabilanggo at ipahagupit ang mga nananalig sa iyo. At nang patayin si Esteban na iyong saksi, ako ay naroon at sumang-ayon pa sa ginawa nila. Ako pa nga ang nagbantay sa mga balabal ng mga pumatay sa kanya.’ Ngunit sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Humayo ka, sapagkat isusugo kita sa malayo, sa mga Hentil.’” Hanggang sa mga sandaling iyon, ang mga tao'y nakikinig kay Pablo. Ngunit pagkarinig sa huli niyang sinabi, sila'y nagsigawan, “Patayin ang taong iyan! Hindi siya dapat mabuhay!” Patuloy sila sa pagsigaw, sa pagsaboy ng alikabok sa hangin at sa paghahagis ng kanilang mga balabal. Kaya't iniutos ng pinuno ng mga sundalo na dalhin si Pablo sa himpilan at hagupitin upang malaman kung bakit ganoon na lamang ang sigawan ng mga Judio laban sa kanya. Ngunit nang siya'y magapos na nila ng panaling balat, sinabi ni Pablo sa kapitang naroon, “Ipinapahintulot ba ng batas na hagupitin ang isang mamamayang Romano kahit wala pang hatol ang hukuman?” Nang marinig ito ng kapitan, pumunta siya sa pinuno at sinabi, “Ano ang gagawin mong iyan? Mamamayang Romano ang taong iyon!” Kaya't lumapit kay Pablo ang pinuno ng mga sundalo at siya'y tinanong, “Ikaw nga ba'y Romano?” “Opo,” sagot niya. Sinabi ng pinuno, “Malaki ang ibinayad ko para maging mamamayang Romano.” “Ngunit ako'y isinilang na mamamayang Romano,” sabi naman ni Pablo. Kaagad lumayo ang mga magsisiyasat sa kanya. Natakot din ang pinuno ng mga sundalo sapagkat ipinagapos niya si Pablo, gayong ito pala ay isang Romano. Nais matiyak ng pinuno kung ano nga ang paratang ng mga Judio laban kay Pablo. Kaya't kinabukasan, pinakalagan niya si Pablo, ipinatawag sa isang pulong ang mga punong pari at ang buong Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio, at iniharap si Pablo sa kanila. Tumingin si Pablo sa kanila, at sinabi, “Mga kapatid, namumuhay akong malinis ang budhi sa harap ng Diyos hanggang sa araw na ito.” Pagkarinig nito'y iniutos ng pinakapunong pari na si Ananias sa mga taong nakatayo sa tabi ni Pablo na sampalin ito sa bibig. Sinabi ni Pablo, “Hahampasin ka ng Diyos, ikaw na mapagkunwari! Nakaluklok ka riyan upang hatulan ako ayon sa Kautusan, ngunit labag sa Kautusan ang ipasampal mo ako.” Sinabi ng mga nakatayo roon, “Nilalapastangan mo ang pinakapunong pari ng Diyos!” Sumagot si Pablo, “Mga kapatid, hindi ko alam na siya pala ang pinakapunong pari. Sapagkat nasusulat nga, ‘Huwag kang magsalita ng masama laban sa pinuno ng iyong bayan.’” Nang makita ni Pablo na may mga Saduseo at mga Pariseo sa kapulungan, sinabi niya nang malakas, “Mga kapatid, ako'y Pariseo, at anak ng mga Pariseo, at dahil sa pag-asa kong muling mabubuhay ang mga patay kaya ako'y nililitis ngayon.” Nang sabihin ito ni Pablo, nagtalu-talo ang mga Pariseo at ang mga Saduseo, at nahati ang kapulungan. Sapagkat naniniwala ang mga Saduseo na hindi na muling mabubuhay ang mga patay at walang anghel o espiritu. Subalit ang mga Pariseo nama'y naniniwala sa lahat ng ito. At lumakas ang kanilang sigawan. Tumayo ang ilan sa mga tagapagturo ng Kautusan na kapanig ng mga Pariseo at malakas na tumutol, “Wala kaming makitang pagkakasala sa taong ito. Anong malay natin, baka nga kinausap siya ng isang espiritu o isang anghel!” Naging mainitan ang kanilang pagtatalo, at natakot ang pinuno ng mga sundalo na baka magkaluray-luray si Pablo. Pinapanaog niya ang mga kawal, ipinakuha si Pablo at ipinapasok muli sa himpilan. Kinagabihan, nagpakita ang Panginoon kay Pablo at sinabi sa kanya, “Lakasan mo ang iyong loob! Kung paanong nagpatotoo ka tungkol sa akin dito sa Jerusalem, kailangang magpatotoo ka rin sa Roma.” Kinaumagahan, nagkasundo ang mga Judio at ang bawat isa ay sumumpa na hindi kakain o iinom hangga't hindi nila napapatay si Pablo. Mahigit na apatnapung lalaki ang nanumpa ng ganoon. Pumunta sila sa mga punong pari at sa matatandang pinuno ng bayan, at sinabi nila, “Kami ay sumumpang hindi kakain at hindi iinom hangga't hindi namin napapatay si Pablo. Kaya, hilingin ninyo at ng Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio sa pinuno ng mga sundalo na dalhin muli rito si Pablo. Idahilan ninyong sisiyasatin ninyong mabuti ang kanyang kaso. At sa daan pa lamang ay papatayin na namin siya.” Ang balak na ito'y nalaman ng lalaking anak ng kapatid na babae ni Pablo. Kaya't nagpunta ito sa himpilan at sinabi kay Pablo ang balak na pagpatay sa kanya. Tinawag naman ni Pablo ang isa sa mga kapitan at sinabi, “Samahan nga po ninyo ang binatilyong ito sa inyong pinuno sapagkat mayroon siyang gustong sabihin.” Sinamahan nga ng kapitan ang binatilyo sa pinuno ng mga sundalo. Sinabi niya, “Tinawag po ako ng bilanggong si Pablo at pinasamahan sa inyo ang binatilyong ito, sapagkat may sasabihin daw siya sa inyo.” Hinawakan ng pinuno sa kamay ang binatilyo, dinala sa isang tabi at tinanong, “Ano ba ang sasabihin mo sa akin?” Sumagot siya, “Pinagkasunduan po ng mga Judio na hilingin sa inyo na iharap si Pablo sa Kapulungan bukas at kunwari'y sisiyasatin nila siya nang mas mabuti. Ngunit huwag po kayong maniniwala. Tatambangan po siya ng mahigit sa apatnapung lalaki na nanumpang hindi kakain o iinom hangga't hindi nila napapatay si Pablo. Handang-handa na po sila ngayon at pasya na lamang ninyo ang hinihintay.” “Huwag mong sasabihin kaninuman na ipinaalam mo ito sa akin,” sabi ng pinuno ng mga sundalo. At pinauwi niya ang binatilyo. Ang pinuno ay tumawag ng dalawang kapitan at sinabi sa mga ito, “Maghanda kayo ng dalawandaang sundalo at pitumpung kawal na nakakabayo at dalawandaang kawal na may sibat upang magtungo sa Cesarea ngayong alas nuwebe ng gabi. Maghanda rin kayo ng mga kabayong sasakyan ni Pablo at ihatid ninyo siya kay Gobernador Felix. Ingatan ninyo siyang mabuti!” At sumulat siya ng ganito, “Sa Kagalang-galang na Gobernador Felix, maligayang bati mula kay Claudio Lisias! Ang lalaking ito'y hinuli ng mga Judio at papatayin na sana. Nalaman kong siya'y isang mamamayang Romano, kaya't nagsama ako ng mga kawal at iniligtas siya. Sa hangad kong malaman kung ano ang sakdal laban sa kanya, pinaharap ko siya sa Kapulungan. Nalaman kong ang paratang sa kanya'y tungkol sa ilang usaping may kinalaman sa kanilang kautusan, at hindi sapat na dahilan upang siya'y ipapatay o ipabilanggo. At nang malaman kong siya'y pinagtatangkaang patayin ng mga Judio, agad ko siyang ipinadala sa inyo. Sinabi ko sa mga taong nagsasakdal na sa inyo sila magharap ng reklamo laban sa kanya.” Sinunod nga ng mga kawal ang utos sa kanila. Kinagabiha'y kinuha nila si Pablo at dinala sa Antipatris. Kinabukasan, nagbalik na sa himpilan ang mga kawal, at hinayaan ang mga sundalong nakakabayo na magpatuloy sa paglalakbay kasama si Pablo. Pagdating sa Cesarea iniharap nila si Pablo sa gobernador at ibinigay ang sulat na dala nila. Pagkabasa sa sulat, tinanong ng gobernador si Pablo kung saang lalawigan siya nagmula. At nang malamang siya'y taga-Cilicia, kanyang sinabi, “Diringgin ko ang kaso mo pagdating ng mga nagsasakdal sa iyo.” At pinabantayan niya si Pablo sa palasyo ng gobernador. Makalipas ang limang araw, dumating sa Cesarea ang pinakapunong pari na si Ananias, kasama ang ilang pinuno ng bayan at si Tertulo na isang abogado. Iniharap nila sa gobernador ang kanilang reklamo laban kay Pablo. At nang maiharap si Pablo, sinimulan ni Tertulo ang pagsalaysay ng mga paratang kay Pablo. Sinabi niya, “Kagalang-galang na Gobernador Felix, utang namin sa inyong mahusay na pamumuno ang kapayapaang matagal na naming tinatamasa, gayundin ang mga pagbabago para sa ikauunlad ng aming bansa. Ito'y kinikilala naming utang na loob, at lubos namin kayong pinasasalamatan saanman at magpakailanman. Ngunit upang kayo ay huwag nang labis na maabala, mangyari lamang na kami'y pakinggan ninyong sandali. Natuklasan naming ang taong ito'y nanggugulo. Ginugulo niya ang mga Judio saan man siya magpunta, at siya'y isang pasimuno ng sekta ng mga Nazareno. Pati ang Templo namin ay tinangka niyang lapastanganin, kaya hinuli namin siya. [Hahatulan sana namin siya ayon sa aming kautusan, ngunit dumating si Lisias na pinuno ng mga sundalo, at marahas siyang inagaw sa amin. Ang sabi niya'y sa inyo namin isakdal ang taong ito.] Sa pagsisiyasat ninyo sa kanya, malalaman ninyo ang lahat ng paratang namin laban sa kanya.” Nakiisa ang mga Judio kay Tertulo, at pinatotohanan ang lahat ng sinabi niya. Si Pablo ay sinenyasan ng gobernador upang magsalita, kaya't sinabi niya, “Kagalang-galang na Gobernador, nalalaman kong kayo'y matagal nang hukom sa bansang ito, kaya't ikinagagalak kong ipagtanggol ang aking sarili sa harap ninyo. Wala pang labindalawang araw mula nang ako'y dumating sa Jerusalem upang sumamba. Matitiyak ninyo iyan kung kayo'y magsisiyasat. Minsan man ay hindi nila ako nakitang nakikipagtalo kaninuman sa loob ng Templo, o gumagawa ng gulo sa sinagoga, o sa alinmang lugar sa lungsod. Wala silang maihaharap na katibayan sa kanilang mga paratang laban sa akin. Inaamin kong ang pagsamba ko sa Diyos ng aming mga ninuno ay ayon sa Daan na sinasabi nilang maling pananampalataya. Subalit naniniwala rin ako sa lahat ng nasusulat sa Kautusan at sa mga aklat ng mga propeta. Tulad nila, umaasa rin akong muling bubuhayin ng Diyos ang lahat ng tao, matuwid man o di-matuwid. Kaya't pinagsisikapan kong laging maging malinis ang aking budhi sa harap ng Diyos at ng tao. “Ilang taon akong nawala sa Jerusalem at nagbalik ako upang maghatid ng tulong sa mga kababayan ko at maghandog sa Diyos. Natapos ko nang tuparin ang paglilinis ayon sa Kautusan at nag-aalay ako ng aking handog nang datnan nila ako sa Templo. Walang maraming tao roon at wala namang gulo. Ang naroon ay ilang Judiong galing sa Asia—sila sana ang naparito upang magharap ng sakdal kung sila'y may nakitang anumang dapat iparatang laban sa akin. O kaya naman, magsabi ang mga taong naririto kung ano ang pagkakasalang nagawa ko nang ako'y iharap sa Kataas-taasang Kapulungan ng mga Judio. Gayunpaman, totoong isinigaw ko ito sa harap nila, ‘Dahil sa pag-asa kong muling mabubuhay ang mga patay, ako'y nililitis sa harapan ninyo ngayon.’” Si Felix ay may sapat na kaalaman tungkol sa Daan, kaya't ipinagpaliban muna niya ang paglilitis. Sinabi niya, “Hahatulan ko ang iyong kaso pagdating ng pinunong si Lisias.” Pagkatapos, iniutos niya sa kapitan na pabantayan si Pablo, subalit huwag hihigpitan kundi hayaang dalawin ng kanyang mga kaibigan upang mabigyan siya ng kanyang mga pangangailangan. Makaraan ang ilang araw, dumating si Felix, kasama ang asawa niyang si Drusila na isang Judio. Ipinatawag niya si Pablo at pinakinggan ang sinasabi nito tungkol sa pananalig kay Cristo Jesus. Ngunit nang magpatuloy si Pablo ng pagsasalita tungkol sa pagiging matuwid, pagpipigil sa sarili, at sa darating na paghuhukom, natakot si Felix. Kaya't sinabi niya, “Makakaalis ka na, ipapatawag kitang muli kapag may panahon na ako.” Malimit niyang ipatawag at kausapin si Pablo sa pag-asang susuhulan siya nito. Makaraan ang dalawang taon, si Felix ay napalitan ni Porcio Festo. Sa hangad ni Felix na bigyang-lugod ang mga Judio, hinayaan niyang manatili sa bilangguan si Pablo. Dumating si Festo sa lalawigang pangangasiwaan niya at pagkaraan ng tatlong araw, pumunta siya sa Jerusalem mula sa Cesarea. Lumapit sa kanya ang mga punong pari at ang mga pinuno ng mga Judio, at idinulog ang kanilang reklamo laban kay Pablo. Dahil may balak silang tambangan at patayin si Pablo, nagmakaawa sila sa gobernador na ipatawag ito sa Jerusalem. Sumagot si Festo, “Si Pablo'y nakabilanggo sa Cesarea at babalik ako roon sa madaling panahon. Pasamahin ninyo sa akin ang inyong mga pinuno, kung totoong may kasalanan siya, saka ninyo siya isakdal.” Nagpalipas pa si Festo ng walo o sampung araw sa Jerusalem, saka bumalik sa Cesarea. Kinabukasan, umupo siya sa hukuman at nag-utos na iharap sa kanya si Pablo. Pagdating ni Pablo, pinaligiran siya ng mga Judiong galing sa Jerusalem. Nagharap sila ng maraming mabibigat na paratang laban sa kanya, ngunit hindi nila napatunayan ang mga iyon. Sinabi ni Pablo bilang pagtatanggol sa sarili, “Wala akong ginawang labag sa Kautusan ng mga Judio, ni laban sa Templo, o sa Emperador.” Nais ni Festo na pagbigyan ang mga Judio, kaya't tinanong niya si Pablo, “Nais mo bang pumunta sa Jerusalem upang doon kita litisin?” Sumagot si Pablo, “Naririto ako sa harap ng hukuman ng Emperador; dito ako dapat litisin. Wala akong nagawang pagkakasala sa mga Judio at iyan ay nalalaman ninyo. Kung ako ay lumabag sa batas o nakagawa ng anumang bagay na dahil dito'y dapat akong parusahan ng kamatayan, hindi ako tututol. Ngunit kung walang katotohanan ang mga paratang nila sa akin, hindi ako dapat ibigay sa kanila. Sa Emperador ako dudulog.” Sumangguni si Festo sa kanyang mga tagapayo, at pagkatapos ay sinabi, “Yamang sa Emperador mo gustong dumulog, sa Emperador ka pupunta.” Makalipas ang ilang araw, dumating sa Cesarea si Haring Agripa at si Bernice upang bumati kay Festo. Nang matagal-tagal na sila roon, isinalaysay ni Festo sa hari ang tungkol kay Pablo. Sinabi ni Festo kay Haring Agripa, “Si Felix ay may iniwan ditong isang bilanggo. Nang ako'y nasa Jerusalem, inireklamo ito sa akin ng mga punong pari at ng mga pinuno ng mga Judio at hininging parusahan siya. Sinagot ko silang hindi kaugaliang Romano ang magparusa sa sinumang inirereklamo hangga't hindi niya nakakaharap ang mga nagsasakdal sa kanya at naipagtatanggol ang kanyang sarili laban sa paratang. Kaya't nang dumating sila rito, hindi na ako nag-aksaya ng panahon; kinabukasan din, ipinatawag ko siya sa hukuman. Nang tumayo ang mga nagsasakdal, hindi nila siya pinaratangan ng anumang mabigat na pagkakasala na inaakala kong ipaparatang nila. Ang pinagtatalunan nila ay tungkol sa kanilang relihiyon at sa isang tao na ang pangala'y Jesus na patay na, ngunit iginigiit ni Pablo na buháy. Hindi ko alam kung paano sisiyasatin ang bagay na ito, kaya't tinanong ko si Pablo kung nais niyang sa Jerusalem siya litisin. Ngunit tumutol siya at hiniling na ipaubaya sa Emperador ang pagpapasya sa kanyang kaso. Dahil dito, pinabantayan ko siya upang ipadala sa Emperador.” Sinabi ni Agripa kay Festo, “Gusto kong mapakinggan ang taong iyan.” “Mapapakinggan mo siya bukas,” tugon naman ni Festo. Kinabukasan, dumating sina Agripa at Bernice, kasama ang matataas na punong kawal at ang mga tanyag na tao sa lungsod. Buong karangyaan silang pumasok sa bulwagan ng hukuman at iniutos ni Festo na si Pablo'y iharap sa kanila. Sinabi ni Festo, “Haring Agripa, at lahat ng naririto, narito po ang lalaking isinakdal sa akin ng mga Judio rito at sa Jerusalem. Ipinagsisigawan nilang hindi siya dapat mabuhay. Ngunit sa pagsisiyasat ko'y wala akong makitang dahilan upang parusahan siya ng kamatayan. Dahil nais niyang dumulog sa Emperador, ipinasya kong ipadala siya roon. Subalit wala akong tiyak na maisulat sa Emperador tungkol sa taong ito. Kaya iniharap ko siya sa inyo, lalung-lalo na sa iyo, Haring Agripa, upang may maisulat ako pagkatapos na siya'y masiyasat natin. Sa palagay ko'y hindi nararapat ipadala sa Emperador ang isang bilanggo nang hindi inilalahad ang mga reklamo laban sa kanya.” Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Maaari ka nang magsalita para sa iyong sarili.” Iniunat ni Pablo ang kanyang kamay at nagsalita bilang pagtatanggol sa sarili: “Haring Agripa, itinuturing kong mapalad ako at sa harapan ninyo ako magtatanggol ng aking sarili laban sa lahat ng mga paratang ng mga Judio sapagkat lubos ninyong nababatid ang mga kaugalian at pagtatalo ng mga Judio. Kaya't hinihiling ko pong pagtiyagaan ninyo akong pakinggan. “Alam ng lahat ng Judio kung paano ako namuhay mula pa sa aking kamusmusan sa aking sariling bayan at sa Jerusalem. Matagal na nilang alam, at sila na ang makakapagpatotoo kung kanilang gugustuhin, na ako'y namuhay bilang kaanib ng pinakamahigpit na sekta ng aming relihiyon, ang sekta ng mga Pariseo. At ngayo'y nililitis ako dahil sa aking pag-asa sa pangako ng Diyos sa aming mga ninuno. Ang pangako ring iyan ang inaasahan ng aming labindalawang lipi kaya't sila'y taimtim na sumasamba sa Diyos gabi't araw. At dahil sa pag-asa ring ito, Haring Agripa, ako'y pinaparatangan ng mga Judio! Bakit hindi mapaniwalaan ng mga naririto na maaaring muling buhayin ng Diyos ang mga patay? “Akala ko rin noong una'y dapat kong gawin ang lahat ng aking magagawa laban sa pangalan ni Jesus na taga-Nazaret. At ganoon nga ang ginawa ko sa Jerusalem. Maraming Cristiano ang aking ipinabilanggo batay sa kapangyarihang ibinigay sa akin ng mga punong pari ng mga Judio. Isa rin ako sa mga humatol ng kamatayan sa kanila. Pinarusahan ko sila sa lahat ng mga sinagoga upang piliting talikuran ang kanilang pananampalataya. Sa tindi ng poot ko'y inusig ko sila kahit sa mga lungsod sa ibang bansa.” “Iyan ang layunin ng pagpunta ko sa Damasco, taglay ang kapangyarihan at pahintulot ng mga punong pari. Nang katanghaliang-tapat, habang kami'y naglalakbay, nakita ko, Haring Agripa, ang isang nakakasilaw na liwanag mula sa langit, ito'y maliwanag pa kaysa sa araw. Totoong nakakasilaw ang liwanag sa paligid naming magkakasama. Kaming lahat ay natumba sa lupa, at narinig ko ang isang tinig na nagsabi sa akin sa wikang Hebreo, ‘Saulo, Saulo, bakit mo ako pinag-uusig? Sinasaktan mo ang iyong sarili sa ginagawa mong iyan. Para mong sinisipa ang matulis na bagay.’ At itinanong ko, ‘Sino po kayo, Panginoon?’ At kanyang sinabi, ‘Ako'y si Jesus na iyong inuusig. Tumayo ka! Nagpakita ako sa iyo upang italaga ka bilang aking lingkod at magpatotoo tungkol sa mga nakita mo ngayon at sa mga ipapakita ko pa sa iyo. Ililigtas kita mula sa mga kababayan mong Judio at gayundin sa mga Hentil kung saan kita isusugo. Imumulat mo ang kanilang mga mata, ibabalik sila sa kaliwanagan mula sa kadiliman, ililigtas sila sa kapangyarihan ni Satanas at ibabalik sa Diyos. At sa pamamagitan ng pananampalataya nila sa akin, sila'y patatawarin sa kanilang mga kasalanan at mabibigyan ng lugar kasama ng mga taong ginawang banal ng Diyos.’” “Dahil dito, Haring Agripa, hindi po ako sumuway sa pangitaing mula sa langit. Nangaral ako, una sa Damasco, saka sa Jerusalem at sa buong lupain ng Judea, at gayundin sa mga Hentil. Ipinangaral kong dapat silang magsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan, lumapit sa Diyos, at ipakita ang kanilang pagsisisi sa pamamagitan ng mga gawa. Dahil dito'y hinuli ako ng mga Judio habang ako'y nasa Templo, at pinagtangkaang patayin. Ngunit hanggang ngayo'y tinutulungan ako ng Diyos, kaya't nakatayo ako ngayon dito at nagpapatotoo tungkol sa kanya sa lahat ng tao, hamak man o dakila. Wala akong itinuturo kundi ang mga sinabi ng mga propeta at ni Moises, na ang Cristo ay kailangang magdusa, at siya ang unang mabuhay na muli upang magpahayag ng liwanag sa mga Judio at sa mga Hentil.” Habang nagsasalita pa si Pablo, malakas na sinabi ni Festo, “Nababaliw ka na, Pablo! Sa sobrang pag-aaral mo'y nasira na ang iyong ulo.” Ngunit sumagot si Pablo, “Hindi ako nababaliw, Kagalang-galang na Festo! Ang sinasabi ko'y mga salita ng katinuan at pawang katotohanan. Nalalaman po ninyo, Haring Agripa, ang tungkol sa mga bagay na ito, kaya malakas ang loob kong magsalita sa inyong harapan. Tiyak na hindi lingid sa inyo ang mga ito sapagkat hindi sa isang sulok lamang nangyari ito. Haring Agripa, naniniwala ba kayo sa mga propeta? Alam kong naniniwala kayo!” Sinabi ni Agripa kay Pablo, “Sa palagay mo ba'y mahihikayat mo akong maging Cristiano sa loob ng maikling panahon?” Sumagot si Pablo, “Maging sa maikli o sa mahabang panahon, loobin nawa ng Diyos na hindi lamang kayo, kundi ang lahat ng nakakarinig sa akin ngayon ay maging kagaya ko, maliban sa mga tanikalang ito.” Pagkatapos, tumayo ang hari, ang gobernador, si Bernice, at lahat ng kasama nila. Lumabas sila at nag-usap-usap, “Ang taong ito'y walang ginawang anumang nararapat sa hatol na kamatayan o pagkabilanggo.” At sinabi pa ni Agripa kay Festo, “Kung hindi lamang niya hiniling na dumulog sa Emperador, maaari na sana siyang palayain.” Nang mapagpasyahang dapat kaming maglayag papuntang Italia, si Pablo at ang ilan pang bilanggo ay ipinailalim sa pamamahala ni Julio, isang kapitan ng hukbong Romano na tinatawag na “Batalyon ng Emperador.” Sumakay kami sa isang barkong galing sa Adramicio, papunta sa lalawigan ng Asia, at naglakbay kami kasama si Aristarco, na isang taga-Macedonia na nagmula sa Tesalonica. Kinabukasan, dumaong kami sa Sidon. Mabuti ang pakikitungo ni Julio kay Pablo; pinahintulutan niya itong makadalaw sa kanyang mga kaibigan upang matulungan siya sa kanyang mga pangangailangan. Mula roon ay naglakbay kaming muli, at dahil sa pasalungat ang hangin, kami'y namaybay sa gawing silangan ng Cyprus upang kumubli. Dumaan kami sa tapat ng Cilicia at Pamfilia, at kami'y dumating sa Mira, isang lungsod ng Licia. Ang kapitan ng mga sundalo ay nakakita roon ng isang barkong mula sa Alejandria papuntang Italia, at inilipat niya kami roon. Mabagal ang aming paglalakbay. Tumagal ito ng maraming araw, at nahirapan kami bago nakarating sa tapat ng Cinido. Buhat dito'y hindi namin matawid ang kalawakan ng dagat sapagkat pasalungat kami sa hangin. Kaya't nagpunta kami sa panig ng Creta na kubli sa hangin, sa tapat ng Salmone. Nahirapan kaming namaybay sa tabi hanggang sa marating namin ang pook na tinatawag na Mabuting Daungan na malapit sa bayan ng Lasea. Mahabang panahon na kaming naglalakbay. Mapanganib na ang magpatuloy dahil nakaraan na ang Araw ng Pag-aayuno, kaya't pinayuhan sila ni Pablo. Sabi niya, “Mga ginoo, sa tingin ko'y mapanganib na ang maglakbay mula ngayon, at mapipinsala ang mga kargamento at ang barko, at manganganib pati ang buhay natin.” Ngunit higit na pinahalagahan ng kapitan ng mga sundalo ang salita ng may-ari at kapitan ng barko kaysa sa payo ni Pablo. Dahil hindi mabuting tigilan ang daungang iyon kung panahon ng taglamig, minabuti ng nakararami na magpatuloy sila sa kanilang paglalakbay, sa pag-asang makarating sila sa Fenix at doon magpalipas ng taglamig. Ito'y isang daungan sa Creta, na nakaharap sa hilagang-kanluran at timog-kanluran. Umihip nang marahan ang hangin buhat sa timog kaya't inakala nilang maaari na silang umalis. Isinampa nila ang angkla at sila'y namaybay sa Creta. Ngunit di nagtagal, bumugso mula sa pulo ang isang malakas na hangin na tinatawag na Hanging Hilagang-silangan. Hinampas nito ang barko, at dahil hindi kami makasalungat, nagpatangay na lamang kami sa hangin. Nang makakubli kami sa isang maliit na pulo na tinatawag na Cauda, naisampa namin ang bangka ng barko, ngunit nahirapan kami bago nagawa iyon. Nang maisampa na ito, tinalian nila ng malalaking lubid ang barko. Ngunit natakot silang sumadsad sa buhanginan ng Sirte, kaya't ibinabâ nila ang layag at kami'y nagpaanod na lamang. Patuloy na lumakas ang bagyo; kaya't kinabukasa'y sinimulan nilang itapon sa dagat ang mga kargamento. At nang sumunod na araw, itinapon din nila ang mga kagamitan ng barko. Matagal naming di nakita ang araw at ang mga bituin, at hindi rin humuhupa ang napakalakas na bagyo, kaya't nawalan na kami ng pag-asang makakaligtas pa. Dahil matagal nang hindi kumakain ang mga nasa barko, tumayo si Pablo at nagsalita, “Mga kasama, kung nakinig lamang kayo sa akin at di tayo umalis sa Creta, hindi sana natin inabot ang ganitong pinsala. Ito ngayon ang payo ko, lakasan ninyo ang inyong loob sapagkat walang mamamatay isa man sa inyo! Kaya nga lamang, mawawasak ang barko. Nagpakita sa akin kagabi ang isang anghel ng Diyos, ang Diyos na nagmamay-ari sa akin at siya kong pinaglilingkuran. Sinabi niya sa akin, ‘Huwag kang matakot, Pablo! Dapat kang humarap sa Emperador. Alang-alang sa iyo'y ililigtas ng Diyos ang lahat ng mga kasama mong naglalakbay.’ Kaya, tibayan ninyo ang inyong loob, mga kasama! Nananalig ako sa Diyos na mangyayari ang lahat ayon sa sinabi niya sa akin. Kaya lamang, mapapadpad tayo sa isang pulo.” Ikalabing-apat na gabi na noon na kami'y napapadpad sa gitna ng Dagat Mediteraneo. Nang maghahatinggabi na, napuna ng mga mandaragat na nalalapit na kami sa pampang. Gamit ang isang panaling may pabigat sa dulo, sinukat nila ang lalim ng tubig at nakitang may apatnapung metro ito. Pagsulong pa nila nang bahagya ay muli nilang sinukat, at nakitang may tatlumpung metro na lamang. Sa takot na sumadsad kami sa batuhan, inihulog nila ang apat na angkla sa hulihan ng barko at ipinanalanging mag-umaga na sana. Tinangka ng mga mandaragat na tumakas mula sa barko kaya't ibinabâ nila sa tubig ang bangka, at kunwari'y maghuhulog ng angkla sa unahan ng barko. Ngunit sinabi ni Pablo sa kapitan at sa mga sundalo, “Kapag hindi nanatili sa barko ang mga taong iyan, hindi kayo makakaligtas.” Kaya't nilagot ng mga kawal ang lubid ng bangka at hinayaan itong mahulog. Nang mag-uumaga na, silang lahat ay hinimok ni Pablo upang kumain. “Labing-apat na araw na ngayong kayo'y hindi kumakain dahil sa pagkabalisa at paghihintay. Kumain na kayo! Kailangan ninyo ito upang kayo'y makaligtas. Hindi mapapahamak ang sinuman sa inyo!” At pagkasabi nito, kumuha siya ng tinapay, at sa harapan ng lahat ay nagpasalamat sa Diyos, pinagpira-piraso ang tinapay at kumain. Lumakas ang loob ng lahat at sila'y kumain din. Kaming lahat ay dalawang daan at pitumpu't anim na katao. Nang mabusog sila, itinapon nila sa dagat ang kargang trigo upang gumaan ang barko. Nang mag-umaga na, nakatanaw sila ng lupa, ngunit hindi nila alam kung anong lugar iyon. Napansin nila ang isang look na may dalampasigan, at binalak nilang igawi doon ang barko kung maaari. Kaya't pinutol nila ang tali ng mga angkla at iniwanan ang mga ito sa dagat. Kinalag din nila ang mga tali ng timon at itinaas ang layag sa unahan upang ang barko'y itulak ng hangin papunta sa dalampasigan. Ngunit nasadsad ang barko sa parteng mababaw. Bumaon ang unahan ng barko kaya't hindi makaalis. Samantala, ang hulihan naman ay nawasak dahil sa kahahampas ng malalakas na alon. Binalak ng mga kawal na patayin ang mga bilanggo upang walang makalangoy at makatakas. Subalit nais ng kapitan ng mga kawal na iligtas si Pablo kaya pinagbawalan nito ang mga kawal. Sa halip, pinatalon niya sa tubig ang lahat ng marunong lumangoy upang makarating sa pampang. Ang iba'y inutusan niyang sumunod na nakahawak sa mga tabla o piraso ng barko. At sa gayon, kaming lahat ay nakarating sa dalampasigan. Nang makaligtas na kami, nalaman naming ang pulong iyon ay tinatawag na Malta. Napakabuti ng ipinakita sa amin ng mga tagaroon, sapagkat nang bumagsak ang ulan at naging maginaw, nagsiga sila at inasikaso kaming mabuti. Si Pablo nama'y namulot ng kahoy at nang mailagay ang mga iyon sa siga, mula roo'y lumabas ang isang ahas dahil sa init. Tinuklaw nito ang kamay ni Pablo. Nang makita ng mga tagaroon ang ahas na nakabitin sa kamay ni Pablo, nasabi nila sa isa't isa, “Tiyak na mamamatay-tao ang taong iyan. Nakaligtas nga siya sa dagat ngunit hindi naman ipinahintulot ng katarungan na siya'y mabuhay pa.” Subalit ipinagpag lamang ni Pablo sa apoy ang ahas at hindi siya naano. Hinintay nilang mamaga si Pablo, o kaya'y biglang mabuwal at mamatay. Nang matagal na silang naghihintay at wala namang masamang nangyayari sa kanya, nagbago sila ng palagay. “Siya'y isang diyos,” sabi nila. Ang pinuno sa pulong iyon ay isang nagngangalang Publio, at malapit sa lugar na iyon ang kanyang lupain. Malugod niya kaming pinatuloy sa loob ng tatlong araw. Ang ama ni Publio ay nagkataong nakaratay noon dahil sa lagnat at disenterya, kaya't ito'y dinalaw ni Pablo. Pagkatapos manalangin, ipinatong ni Pablo ang kanyang kamay sa maysakit at ito'y gumaling. Dahil sa nangyaring ito, nagdatingan ang mga tagaroong may karamdaman, at sila'y pinagaling din ni Pablo. Binigyan nila kami ng maraming regalo, at nang paalis na kami ay binigyan pa nila kami ng aming mga kailangan sa paglalakbay. Tatlong buwan ang nagdaan bago kami nakaalis doon, sakay ng isang barkong nagpalipas din ng taglamig sa pulo. “Kambal na Diyos” ang pangalan ng barkong ito na nagmula sa Alejandria. Dumaong kami sa Siracusa at tumigil doon nang tatlong araw. Nagpatuloy kami ng paglalakbay at dumating sa Regio. Kinabukasa'y umihip ang hangin mula sa timog, at nakarating kami sa Puteoli sa loob lamang ng dalawang araw. May natagpuan kami roong mga kapatid at inanyayahan nila kaming tumigil doon nang isang linggo. Mula roo'y ipinagpatuloy namin ang huling bahagi ng aming paglalakbay hanggang makarating kami sa Roma. Nabalitaan ng mga kapatid sa Roma ang tungkol sa amin, kaya't pumunta sila sa Liwasang Apio at sa Tatlong Bahay-panuluyan upang kami'y salubungin. Nang makita sila ni Pablo, nagpasalamat siya sa Diyos, at lumakas ang kanyang loob. Pagdating namin sa Roma, si Pablo'y pinahintulutang manirahan sa isang bahay kasama ang isang kawal na magbabantay sa kanya. Makaraan ang tatlong araw, inanyayahan ni Pablo sa isang pulong ang mga pangunahing Judio sa lungsod. Nang magtipon na sila, sinabi niya, “Mga kapatid, kahit na ako'y walang ginawa laban sa ating bansa o sa mga kaugalian ng ating mga ninuno, hinuli ako sa Jerusalem at isinakdal sa pamahalaang Romano. Matapos akong litisin, ako sana'y palalayain na, sapagkat wala naman akong ginawang dapat parusahan ng kamatayan. Ngunit tumutol ang mga Judio kaya't napilitan akong dumulog sa Emperador. Gayunman, wala akong paratang laban sa aking mga kababayan. Nakagapos ako sa tanikalang ito dahil kay Jesus na siyang pag-asa ng Israel. Iyan ang dahilan kung bakit hiniling kong makausap kayo.” Sagot nila, “Wala kaming natatanggap na sulat buhat sa Judea tungkol sa iyo. At sa kababayan man nating naparito ay walang nagbabalita o nagsasalita ng anuman laban sa iyo. Gayunman, nais naming mapakinggan kung ano ang masasabi mo, sapagkat alam naming kahit saan ay marami ang sinasabi ng mga tao laban sa sektang ito.” Kaya't nagtakda sila ng araw. Marami ngang pumunta sa tinitirhan ni Pablo pagsapit ng araw na iyon. Maghapon siyang nagpaliwanag sa kanila at nagpatotoo tungkol sa kaharian ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kautusan ni Moises at ng mga sinulat ng mga propeta, sinikap niyang hikayatin sila tungkol kay Jesus. May naniwala at mayroon din namang hindi naniwala sa kanyang sinabi. Kaya't nang hindi sila magkaisa, sila'y umalis matapos sabihin ni Pablo ang ganitong pangungusap, “Tama ang sinabi ng Espiritu Santo sa inyong mga ninuno sa pamamagitan ni Propeta Isaias, ‘Pumunta ka sa mga taong ito at sabihin mo sa kanila, Makikinig kayo nang makikinig ngunit hindi kayo makakaunawa, at titingin kayo nang titingin ngunit hindi kayo makakakita. Sapagkat naging mapurol ang isip ng mga taong ito, tinakpan ang kanilang mga tainga, at ipinikit nila ang kanilang mga mata. Kung hindi, makakakita sana ang kanilang mga mata, makakarinig ang kanilang mga tainga, at makakaunawa ang kanilang mga pag-iisip. at magbabalik-loob sila sa akin, at sila'y aking pagagalingin, sabi ng Panginoon.’” Idinagdag pa ni Pablo, “Sinasabi ko sa inyo, ipinahayag na sa mga Hentil ang kaligtasang ito na mula sa Diyos, at diringgin nila ito!” [ Matapos niyang sabihin ito, ang mga Judio'y umalis at mahigpit na nagtalu-talo.] Nanirahan si Pablo sa Roma nang dalawang taon, sa bahay na kanyang inupahan, at tinanggap niya ang lahat ng pumupunta sa kanya. Siya'y buong tapang at malayang nangaral tungkol sa kaharian ng Diyos at sa Panginoong Jesu-Cristo. Mula kay Pablo na isang lingkod ni Cristo Jesus, tinawag upang maging apostol at hinirang upang mangaral ng Magandang Balita ng Diyos. Ang Magandang Balitang ito na ipinangako niya noong una pa man sa pamamagitan ng mga propeta, at sinasabi sa mga Banal na Kasulatan, Sa pamamagitan niya, tinanggap namin mula sa Diyos ang kaloob na maging apostol alang-alang kay Cristo, upang ang mga Hentil ay akayin sa pagsunod na naaayon sa pananampalataya. Kayo'y kabilang sa mga tinawag na maging mga tagasunod ni Jesu-Cristo. Sa inyong lahat na nasa Roma, mga minamahal ng Diyos at tinawag upang maging banal, sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo dahil sa inyong lahat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay balitang-balita sa buong daigdig. Saksi ko ang Diyos, na pinaglilingkuran ko nang buong puso sa pamamagitan ng aking pangangaral ng Magandang Balita tungkol sa kanyang Anak, na lagi ko kayong idinadalangin. Lagi kong hinihiling na loobin nawa ng Diyos na sa wakas matuloy din ang pagpunta ko riyan. Nananabik akong makita kayo upang mamahagi sa inyo ng mga kaloob ng Espiritu sa ikatatatag ninyo. Ang ibig kong sabihi'y upang magkatulungan tayo sa ikalalakas ng bawat isa sa atin sa pamamagitan ng ating pananalig sa Diyos. Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ilang ulit ko nang binalak na pumunta riyan, ngunit laging may nagiging hadlang. Nais ko ring makahikayat diyan ng mga sasampalataya kay Cristo, tulad ng nagawa ko na sa ibang mga Hentil. May pananagutan ako sa lahat ng mga tao: sa mga sibilisado man o hindi, sa marurunong at sa mga mangmang. Kaya nga, nais ko ring ipangaral diyan sa Roma ang Magandang Balita. Hindi ko ikinahihiya ang Magandang Balita, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una'y sa mga Judio at gayundin sa mga Griego. Sapagkat sa Magandang Balita ay ipinapakita kung paano itinutuwid ng Diyos ang kaugnayan ng tao sa kanya. Ito ay sa pamamagitan ng pananampalataya buhat sa simula hanggang sa wakas. Tulad ng sinasabi sa Kasulatan, “Ang itinuring ng Diyos na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay.” Nahahayag mula sa langit ang poot ng Diyos laban sa lahat ng kalapastanganan at kasamaan ng mga taong dahil sa kanilang kasamaan ay hinahadlangan ang katotohanan. Sapagkat ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay maliwanag, dahil iyon ay ipinapahayag sa kanila ng Diyos. Mula pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, ang kanyang likas na hindi nakikita, ang kanyang kapangyarihang walang hanggan at ang kanyang pagka-Diyos, ay maliwanag na inihahayag ng kanyang mga ginawa. Kaya't wala na silang maidadahilan pa. Kahit na kilala nila ang Diyos, siya'y hindi nila pinarangalan bilang Diyos, ni pinasalamatan man. Sa halip, naghaka-haka sila ng mga bagay na walang kabuluhan kaya't nagdilim ang hangal nilang pag-iisip. Sila'y nagmamarunong ngunit lumitaw na sila'y mga hangal. Tinalikuran nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan, at ang sinamba nila'y mga larawan ng mga taong may kamatayan, ng mga ibon, ng mga hayop na lumalakad, at ng mga hayop na gumagapang. Kaya't hinayaan na sila ng Diyos sa kanilang maruruming pagnanasa hanggang sa hindi na nila mapigil ang paggawa ng kahalayan sa isa't isa. Tinalikuran nila ang katotohanan tungkol sa Diyos at pinalitan ng kasinungalingan. Sinamba nila at pinaglingkuran ang mga nilikha, sa halip na ang lumikha, na siyang dapat papurihan magpakailanman! Amen. Dahil dito'y hinayaan sila ng Diyos sa mahahalay na pagnanasa. Ayaw nang makipagtalik ng babae sa lalaki ayon sa likas na kaparaanan, at sa halip ay sa kapwa babae sila nakikipag-ugnayan. Ganoon din ang mga lalaki; ayaw na nilang makipagtalik sa mga babae ayon sa likas na kaparaanan, at sa kanilang kapwa lalaki sila nahuhumaling. Ginagawa nila ang mga kasuklam-suklam na bagay, kaya't sila'y paparusahan ng nararapat sa kanilang masasamang gawa. Dahil ayaw nilang kilalanin ang Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa masasamang pag-iisip at sa mga gawaing kasuklam-suklam. Naging alipin sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kabuktutan, kasakiman, maruruming pag-iisip, pagkainggit, pagpaslang, pagtatalo, pandaraya at masasamang hangarin. Sila'y naging mahilig sa tsismis, mapanirang puri, nasusuklam sa Diyos, walang pakundangan, mapagmataas, mayayabang, mapagkatha ng kasamaan, at suwail sa magulang. Sila'y naging mga hangal, mga taksil, mga walang puso, at di-marunong lumingap sa kapwa. Nalalaman nila ang utos ng Diyos na karapat-dapat sa parusang kamatayan ang mga gumagawa nito. Gayunman, hindi lamang patuloy sila sa paggawa nito kundi sumasang-ayon pa sila sa mga gumagawa rin ng mga ito. Kaya nga, sino ka mang humahatol sa iba, wala kang maidadahilan. Sapagkat sa paghatol mo sa iba, hinahatulan mo rin ang iyong sarili, dahil ikaw na humahatol ay gumagawa rin ng ganoon. Nalalaman nating makatarungan ang hatol ng Diyos laban sa mga gumagawa ng mga iyon. Hinahatulan mo ang mga gumagawa ng mga bagay na ginagawa mo rin. Akala mo ba'y makakaiwas ka sa hatol ng Diyos? O hinahamak mo ang Diyos, sapagkat siya'y napakabait, matiisin, at mapagpasensya? Hindi mo ba alam na ang kabutihan ng Diyos ang umaakay sa iyo upang magsisi at tumalikod sa kasalanan? Ngunit dahil matigas ang iyong ulo at ayaw mong magsisi, lalo mong pinapabigat ang parusang igagawad sa iyo sa Araw na iyon, kung kailan ihahayag ang poot at makatarungang paghatol ng Diyos. Sapagkat igagawad niya sa lahat ng tao ang naaayon sa kanilang mga ginawa. Buhay na walang hanggan ang ibibigay niya sa mga taong nagpapatuloy sa paggawa ng mabuti, at naghahangad ng karangalan, kadakilaan at kawalang kamatayan. Ngunit matinding galit at poot ang sasapitin ng mga taong makasarili at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sumusunod sa kasamaan. Paghihirap at kapighatian ang daranasin ng bawat gumagawa ng masama, una ang mga Judio at gayundin ang mga Hentil. Ngunit kapurihan, karangalan at kapayapaan naman ang tatamuhin ng bawat gumagawa ng mabuti, una ang mga Judio at gayundin ang mga Hentil sapagkat walang kinikilingan ang Diyos. Ang mga Hentil ay walang Kautusan ni Moises. Sila ay nagkakasala at paparusahan nang hindi batay sa Kautusan. Ang mga Judio ay mayroong Kautusan. Sila ay nagkakasala at hahatulan batay sa Kautusan. Sapagkat hindi ang mga nakikinig sa Kautusan, kundi ang sumusunod dito, ang siyang pawawalang-sala ng Diyos. Kapag ang mga Hentil na hindi saklaw ng Kautusan ay gumagawa batay sa panuntunan nito ayon sa kanilang likas na pag-iisip, ito'y nagiging kautusan na para sa kanila. Ipinapakita ng kanilang mga gawa na nakasulat sa kanilang puso ang panuntunan ng Kautusan. Pinapatunayan din ito ng kanilang budhi, sapagkat kung minsan sila'y sinusumbatan nito; at kung minsan naman, sila'y ipinagtatanggol nito sa kanilang isipan. Ayon sa Magandang Balitang aking ipinapangaral, gayon ang mangyayari sa Araw na ang mga lihim ng mga tao'y hahatulan ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Ngunit ikaw na nagsasabing ikaw ay Judio at nananalig sa Kautusan, ipinagmamalaki mong may kaugnayan ka sa Diyos. Sabi mo'y alam mo ang kanyang kalooban at sumasang-ayon ka sa mabubuting bagay, sapagkat ito ang natutunan mo sa Kautusan. Ang palagay mo'y taga-akay ka ng bulag, tanglaw ng mga nasa kadiliman, tagapayo ng mga hangal, at tagapagturo ng mga bata, dahil natuklasan mo sa Kautusan ang buong kaalaman at katotohanan. Nagtuturo ka sa iba, bakit di mo turuan ang iyong sarili? Nangangaral kang masama ang magnakaw, bakit ka nagnanakaw? Sinasabi mong huwag mangangalunya, bakit ka nangangalunya? Nasusuklam ka sa mga diyus-diyosan, bakit ninanakawan mo ang mga templo nila? Ipinagmamalaki mong saklaw ka ng Kautusan, ngunit nilalapastangan mo naman ang Diyos sa pamamagitan ng paglabag mo sa Kautusan! Ayon nga sa nasusulat, “Ang pangalan ng Diyos ay nilalait ng mga Hentil dahil sa inyo.” Mahalaga lamang ang iyong pagiging tuli kung tumutupad ka sa Kautusan, subalit kung lumalabag ka sa Kautusan, para ka ring hindi tinuli. Kung ang hindi tuli ay gumagawa batay sa panuntunan ng Kautusan, hindi ba siya ituturing na tuli? Kaya, ikaw na Judiong nasa ilalim ng Kautusan ngunit hindi naman tumutupad nito, ay hahatulan ng mga tumutupad sa Kautusan bagaman hindi sila tinuli. Sapagkat ang pagiging isang tunay na Judio ay hindi dahil sa panlabas na kaanyuan o dahil sa pagtutuli sa laman. Ang tunay na Judio ay ang taong nabago sa puso't kalooban ayon sa Espiritu at hindi ayon sa Kautusang nasusulat. Ang papuri sa taong iyon ay mula sa Diyos at hindi mula sa mga tao. Kung gayon, paano nakakalamang ang Judio sa hindi Judio? Ano ang kabuluhan ng pagiging tuli? Napakarami! Una sa lahat, ang mga Judio ang pinagkatiwalaan ng mga pahayag ng Diyos. Ano nga kung hindi naging tapat ang ilan sa kanila? Ang ibig kayang sabihin niyon ay hindi na rin tapat ang Diyos? Hinding-hindi! Ang Diyos ay tapat at totoo kahit na sinungaling pa ang lahat ng tao. Ayon nga sa nasusulat, “Kapag ikaw ay nagsalita, mapapatunayan kang matuwid at kung ikaw ay hahatulan, ikaw ay mananaig.” Ngunit kung ang kasamaan natin ay nagpapakilala ng katarungan ng Diyos, masasabi ba nating hindi siya makatarungan dahil tayo'y pinaparusahan niya? (Ganyan ang pangangatuwiran ng tao.) Hinding-hindi! Kung hindi makatarungan ang Diyos, paano niya hahatulan ang sanlibutan? Kung sa pamamagitan ng aking kasinungalingan ay lalong lumilitaw ang kaluwalhatian ng Diyos, sapagkat lalong nakikilala na siya'y tapat, bakit pa niya ako paparusahan bilang isang makasalanan? Kung gayon, bakit nga hindi natin sabihin, “Gumawa tayo ng masama kung mabuti naman ang magiging bunga nito”? Ganyan daw ang itinuturo namin, sabi ng mga naninira sa amin. Sila'y paparusahan ng Diyos, at iyan ang nararapat. Ano ngayon? Ang kalagayan ba nating mga Judio ay mas mabuti kaysa sa mga Hentil? Hindi! Tulad nga ng aming napatunayan na ang lahat ng tao ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan, maging Judio o Hentil man. Ayon sa nasusulat, “Walang matuwid, wala kahit isa. Walang nakakaunawa, walang naghahanap sa Diyos. Ang lahat ay lumihis ng landas at nagpakasama. Walang gumagawa ng mabuti, wala kahit isa.” “Parang bukás na libingan ang kanilang lalamunan; pananalita nila'y pawang panlilinlang. Ang labi nila'y may kamandag ng ahas.” “Punô ng pagmumura at masasakit na salita ang kanilang bibig.” “Wala silang atubili sa pagpatay ng kapwa. Parang dinaanan ng salot ang kanilang madaanan, hindi nila alam ang daan ng kapayapaan.” “Hindi sila marunong matakot sa Diyos.” Alam natin na anumang sinasabi ng Kautusan ay sinasabi sa mga nasasakop nito upang walang maidahilan ang sinuman, at dahil dito'y mananagot ang lahat sa Diyos. Walang taong mapapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, sapagkat ang ginagawa ng Kautusan ay ang ipaalam sa tao na siya'y nagkasala. Ngunit ngayo'y nahayag na kung paano ginagawang matuwid ng Diyos ang tao. Ito'y hindi sa pamamagitan ng Kautusan; bagaman ang Kautusan at ang mga Propeta ang nagpapatotoo tungkol dito. Ginagawang matuwid ng Diyos ang lahat sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya kay Jesu-Cristo. Walang pagkakaiba ang mga tao, sapagkat ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. Ngunit dahil sa kanyang kagandahang-loob na walang bayad niyang ibinigay, sila ay itinuring na matuwid sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang nagpapalaya sa kanila. Siya ang inialay ng Diyos bilang handog, upang sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang kasalanan ng lahat ng sumasampalataya sa kanya. Ginawa ito ng Diyos upang patunayang siya'y matuwid, sapagkat noong unang panahon ay nagtimpi siya at pinagtiisan ang mga kasalanang nagawa ng mga tao. Ngunit ngayon ay ipinapakita ng Diyos na siya'y matuwid at itinuturing niyang matuwid ang mga sumasampalataya kay Jesus. Kaya't ano ngayon ang ating maipagmamalaki? Wala! At bakit naman tayo magmamalaki? Dahil ba sa ating pagsunod sa Kautusan? Hindi! Kundi dahil sa ating pananampalataya kay Cristo. Kung gayon, maliwanag na sa pamamagitan ng pananampalataya itinuturing na matuwid ang tao, at hindi sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan. Ang Diyos ba'y Diyos lamang ng mga Judio? Hindi ba't Diyos din siya ng mga Hentil? Oo, siya'y Diyos din ng mga Hentil, sapagkat iisa lamang ang Diyos. Kapwa niya ituturing na matuwid ang mga Judio at mga Hentil batay sa kanilang pananampalataya. Pinapawalang-saysay ba namin ang Kautusan dahil sa pananampalatayang ito? Hinding-hindi! Sa halip, pinapagtibay pa nga namin ito. Tungkol kay Abraham na ating ninuno, ano naman ang masasabi natin? Ano ang kanyang karanasan tungkol sa bagay na ito? Kung itinuring siya ng Diyos na matuwid dahil sa mga nagawa niya, may maipagmamalaki sana siya. Ngunit wala siyang maipagmalaki sa paningin ng Diyos. Ano ang sinasabi ng kasulatan? “Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos at dahil dito, siya ay itinuring ng Diyos na matuwid.” Ang ibinibigay sa taong gumagawa ay hindi itinuturing na kaloob, kundi kabayaran. Ngunit ang hindi nananalig sa sariling mga gawa kundi sumasampalataya sa Diyos na nagpapawalang-sala sa makasalanan ay itinuring na matuwid ng Diyos dahil sa kanyang pananampalataya. Kaya't tinawag ni David na pinagpala ang taong itinuring ng Diyos na matuwid nang hindi dahil sa sarili nitong mga gawa. Sinabi niya, “Pinagpala ang mga taong pinatawad na ang pagsuway, at ang mga taong pinawi na ang mga kasalanan. Pinagpala ang taong hindi na pagbabayarin ng Panginoon sa kanyang mga kasalanan.” Ang pagpapala kayang ito'y para lamang sa mga tuli? Hindi! Ito'y para rin sa mga di-tuli. Sinasabi natin, batay sa Kasulatan na itinuring na matuwid ng Diyos si Abraham dahil sa kanyang pananampalataya. Kailan iyon nangyari? Bago siya tinuli, o pagkatapos? Bago siya tinuli, at hindi pagkatapos. Ang kanyang pagtutuli ay naging tanda na siya'y itinuring na matuwid ng Diyos dahil sa pananampalataya niya noong hindi pa siya tuli. Kaya't siya'y naging ama ng lahat ng mga sumasampalataya sa Diyos, at sa gayon, sila'y itinuring na matuwid kahit hindi sila tinuli. At siya'y ama rin ng mga tuli, hindi lamang dahil sa kanilang pagiging tuli, kundi dahil sa sila'y sumunod sa halimbawa ng pananampalataya ng ating ninunong si Abraham noong bago siya tuliin. Ipinangako ng Diyos kay Abraham at sa kanyang magiging lahi na mamanahin nila ang buong mundo, hindi dahil sa pagsunod niya sa Kautusan, kundi dahil sa siya'y itinuring na matuwid sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya sa Diyos. Kung ang pangako ay ipagkakaloob lamang sa mga sumusunod sa Kautusan, walang saysay ang pananampalataya ng tao at walang kabuluhan ang pangako ng Diyos. Ang Kautusan ay nagdadala ng poot ng Diyos sa mga lumalabag. Ngunit kung walang kautusan, wala ring paglabag. Kaya nga't sa pananampalataya nababatay ang pangako, upang ito'y maibigay bilang walang bayad na kaloob para sa lahat ng anak ni Abraham; hindi lamang sa mga saklaw ng Kautusan, kundi sa lahat ng sumasampalataya rin tulad ni Abraham. Sapagkat siya ang ama nating lahat, gaya ng nasusulat, “Ginawa kitang ama ng maraming bansa.” Ang pangakong ito'y may bisa sa harap ng Diyos na kanyang sinampalatayanan, ang Diyos na bumubuhay sa mga patay at lumilikha ng mga bagay na hindi pa nalilikha. Kahit wala nang pag-asang magkaanak, nanalig pa rin si Abraham na siya'y magiging ama ng maraming bansa, ayon sa sinabi sa kanya, “Sindami ng mga bituin ang iyong magiging lahi.” Hindi nanghina ang kanyang pananampalataya kahit uugud-ugod na siya, palibhasa'y isandaang taon na siya noon, at ang kanya namang asawang si Sara ay baog. Hindi siya nag-alinlangan sa pangako ng Diyos. Sa halip, lalo siyang lumakas dahil sa kanyang pananampalataya at nagpuri pa sa Diyos. Lubos siyang naniwala na tutuparin ng Diyos ang ipinangako nito. Kaya't dahil sa kanyang pananampalataya, siya'y itinuring na matuwid ng Diyos. Ang salitang “itinuring na matuwid” ay isinulat hindi lamang para sa kanya, kundi para sa atin din naman. Ituturing din tayong matuwid dahil sumasampalataya tayo sa Diyos na muling bumuhay kay Jesus na ating Panginoon. Siya'y ipinapatay dahil sa ating mga kasalanan at muling binuhay upang tayo'y mapawalang-sala. Sapagkat napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng ating pananampalataya, mayroon na tayong mapayapang ugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sa pamamagitan ng [pagsampalataya] kay Jesu-Cristo, tinamasa natin ang kagandahang-loob ng Diyos, at tayo'y nagagalak dahil sa pag-asang tayo'y makakabahagi sa kanyang kaluwalhatian. Hindi lamang iyan. Ikinagagalak din natin ang mga kahirapang ating tinitiis, dahil alam nating ito'y nagbubunga ng pagtitiyaga. At ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng mabuting pagkatao, at ang mabuting pagkatao ay nagbubunga ng pag-asa. At hindi tayo binibigo ng pag-asang ito sapagkat ang pag-ibig ng Diyos ay ibinuhos na sa ating mga puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo na ipinagkaloob sa atin. Sapagkat noong tayo'y mahihina pa, namatay si Cristo sa takdang panahon para sa mga makasalanan. Mahirap mangyaring ialay ninuman ang kanyang buhay alang-alang sa isang taong matuwid, kahit na maaaring may mangahas na gumawa nito alang-alang sa isang taong mabuti. Ngunit pinatunayan ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa. Yamang sa pamamagitan ng kanyang dugo, tayo ngayon ay napawalang-sala, lalong tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos. Dati, tayo'y mga kaaway ng Diyos, ngunit tinanggap na niya tayo bilang mga kaibigan sa pamamagitan ng pagkamatay ng kanyang Anak. At dahil dito, tiyak na maliligtas tayo sapagkat si Cristo ay buháy. At hindi lamang iyan! Tayo'y nagagalak dahil sa ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sapagkat dahil sa kanya ay tinanggap tayo bilang mga kaibigan ng Diyos. Ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan sa pamamagitan ng isang tao, at ang kamatayan ay pumasok sa pamamagitan ng kasalanan. Dahil dito, lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao sapagkat ang lahat ay nagkasala. Nasa sanlibutan na ang kasalanan bago ibigay ang Kautusan, ngunit kung walang kautusan, ang kasalanan ay hindi itinuturing na kasalanan. Gayunman, naghari pa rin ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises, pati sa mga taong hindi nagkasala tulad ng pagsuway ni Adan sa utos ng Diyos. Si Adan ay anyo ng isang darating. Subalit magkaiba ang dalawang ito dahil ang walang bayad na kaloob ng Diyos ay hindi katulad ng kasalanan ni Adan. Totoong maraming tao ang namatay dahil sa kasalanan ng isang tao. Ngunit ang kagandahang-loob ng Diyos ay mas dakila, gayundin ang kanyang walang bayad na kaloob sa maraming tao sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng isang tao, si Jesu-Cristo. Ang kaloob na ito ay hindi katulad ng ibinunga ng pagsuway ni Adan. Sapagkat hatol na kaparusahan ang idinulot matapos na magawâ ang isang pagsuway, subalit kaloob na nagpapawalang-sala naman ang idinulot matapos magawâ ang maraming pagsuway. Sa pamamagitan ng pagsuway ng isang tao, naghari ang kamatayan. Ngunit sa pamamagitan din ng isang tao, si Jesu-Cristo, ang mga taong pinagpala nang sagana at itinuring na matuwid ng Diyos ay maghahari sa buhay. At kung paanong ang pagsuway ng isang tao ay nagdulot ng kaparusahan sa lahat, ang matuwid na ginawa rin ng isang tao ay nagdudulot ng pagpapawalang-sala at buhay sa lahat. Sapagkat kung naging makasalanan ang marami dahil sa pagsuway ng isang tao, marami rin ang mapapawalang-sala dahil sa pagsunod ng isang tao. Nang magkaroon ng Kautusan, dumami ang pagsuway; ngunit sa pagdami naman ng mga pagsuway ay lalong sumagana ang kagandahang-loob ng Diyos. Kaya nga, kung paanong naghari ang kasalanan sa pamamagitan ng kamatayan, gayundin naman maghahari ang kagandahang-loob ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapawalang-sala. Ito'y magdudulot ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Ano ngayon ang sasabihin natin? Patuloy ba tayong magkakasala upang sumagana sa atin ang kagandahang-loob ng Diyos? Hinding-hindi! Tayo'y patay na sa kasalanan, paano pa tayo mamumuhay sa pagkakasala? Hindi ba ninyo alam na tayong lahat na nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nabautismuhan sa kanyang kamatayan? Samakatuwid, tayo'y namatay na at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo upang kung paanong binuhay muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo rin ay magkaroon ng panibagong buhay. Sapagkat kung nakasama tayo ni Cristo sa isang kamatayang katulad ng kanyang kamatayan, tiyak na tayo ay makakasama rin niya sa muling pagkabuhay na katulad ng kanyang muling pagkabuhay. Alam natin na ang dati nating pagkatao ay naipako na sa krus kasama niya, upang mamatay ang ating makasalanang pagkatao at nang hindi na tayo maalipin pa ng kasalanan. Sapagkat ang namatay na ay pinalaya mula sa kapangyarihan ng kasalanan. Kung tayo'y namatay nang kasama ni Cristo, naniniwala tayong mabubuhay rin tayong kasama niya. Alam nating si Cristo na muling binuhay ay hindi na muling mamamatay. Wala nang kapangyarihan sa kanya ang kamatayan. Nang siya'y mamatay, namatay siya nang minsanan para sa lahat ng panahon dahil sa kasalanan; at ang buhay niya ngayon ay para sa Diyos. Kaya dapat din ninyong ituring ang inyong sarili bilang patay na sa kasalanan ngunit buháy para sa Diyos, sapagkat kayo'y nakipag-isa na kay Cristo Jesus. Huwag na ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong mga katawang may kamatayan upang hindi na ninyo sundin ang masasamang hilig nito. Huwag na ninyong ipailalim sa kapangyarihan ng kasalanan ang alinmang bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan sa paggawa ng kasamaan. Sa halip, pasakop kayo sa Diyos bilang mga taong namatay na at muling binuhay, at ihandog ninyo sa kanya ang inyong katawan bilang kasangkapan sa kabutihan. Sapagkat hindi na dapat maghari sa inyo ang kasalanan, dahil kayo'y wala na sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng kagandahang-loob ng Diyos. Ngayon, malaya na ba tayong magkasala dahil wala na tayo sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng kagandahang-loob ng Diyos? Hinding-hindi! Hindi ba ninyo alam na kapag nagpasakop kayo sa sinumang inyong sinusunod, kayo'y nagiging alipin nito, maging ito'y kasalanang hahantong sa kamatayan, o ang pagsunod sa Diyos na hahantong sa pagiging matuwid? Ngunit salamat sa Diyos, kayong dating mga alipin ng kasalanan ay taos pusong sumunod sa katotohanan na nasa aral na ibinigay sa inyo. Pinalaya na kayo sa kasalanan at kayo ngayon ay mga alipin na ng katuwiran. Gumagamit ako ng karaniwang pangungusap dahil sa inyong likas na kahinaan. Kung paanong ipinailalim ninyo noong una ang inyong sarili sa karumihan at sa kasamaang palala nang palala, isuko ninyo ngayon ang inyong sarili bilang alipin ng katuwiran para sa mga banal na layunin. Noong alipin pa kayo ng kasalanan, hindi kayo saklaw ng katuwiran. Ano ang napala ninyo sa mga bagay na iyon na ikinahihiya ninyo ngayon? Kamatayan ang ibinubunga ng mga iyon. Ngunit ngayong pinalaya na kayo mula sa kasalanan at naging alipin na ng Diyos, ang natamo ninyo'y isang buhay na banal at ang ibinubunga nito'y buhay na walang hanggan. Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang walang bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon. Mga kapatid, ako'y nagsasalita sa inyo na mga nakakaunawa ng batas. Alam ninyong ang isang tao'y nasasakop lamang ng batas habang siya'y nabubuhay. Halimbawa, ayon sa Kautusan, ang isang babae ay nasasakop ng kanyang asawa habang nabubuhay ito. Subalit kung mamatay na ang lalaki, malaya na ang babae sa batas na nagtatali sa kanya sa lalaking iyon. Kaya nga, siya'y magkakasala ng pangangalunya kung makikisama siya sa ibang lalaki habang nabubuhay ang kanyang asawa. Ngunit kung patay na ang kanyang asawa, malaya na siya sa batas na iyon, at mag-asawa man siya sa ibang lalaki, hindi siya nagkakasala ng pangangalunya. Gayundin naman mga kapatid, namatay na kayo sa Kautusan sa pamamagitan ng katawan ni Cristo, at ngayon kayo ay kabilang na sa mga nakipag-isa sa kanya na muling binuhay, upang magbunga tayo ng mabubuting gawa para sa Diyos. Noong tayo'y namumuhay pa ayon sa ating likas na pagkatao, ang ating mga masasamang hilig na pinupukaw ng Kautusan ay nag-uudyok sa mga bahagi ng ating katawan na gumawa ng mga bagay na hahantong sa kamatayan. Ngunit malaya na tayo ngayon mula sa Kautusan dahil namatay na tayo sa kasalanang dating umaalipin sa atin. Kaya, tayo'y naglilingkod sa Diyos hindi ayon sa lumang batas na nakasulat, kundi ayon sa bagong buhay ng Espiritu. Ang ibig bang sabihin nito'y ang Kautusan ay masama? Hinding-hindi! Kaya lamang, kundi dahil sa Kautusan ay hindi ko sana nalaman kung ano ang kasalanan. Hindi ko sana nalaman kung paano pagnasaan ang pag-aari ng iba kung hindi sinabi ng Kautusan, “Huwag mong pagnasaan ang pag-aari ng iba.” Ngunit dahil sa utos, ang loob ko'y pinukaw ng kasalanan sa lahat ng uri ng kasakiman. Sapagkat walang kasalanan kung walang Kautusan. Noong una, namuhay ako nang walang Kautusan. Subalit nang dumating ang utos, nabuhay ang kasalanan at ako'y namatay. Ang utos na dapat sanang magdulot sa akin ng buhay ay siyang nagdulot sa akin ng kamatayan. Sapagkat kinasangkapan ng kasalanan ang utos upang ako'y dayain, at sa gayon ay napatay nga ako ng kasalanan. Kaya nga, ang Kautusan ay banal, at ang bawat utos ay banal, matuwid at mabuti. Ang ibig bang sabihin nito'y nagdulot sa akin ng kamatayan ang mabuting bagay? Hinding-hindi! Ang kasalanan ang pumatay sa akin sa pamamagitan ng mabuting bagay. Nangyari ito upang maipakita kung ano nga ang kasalanan, at upang mahayag sa pamamagitan ng Kautusan, na ang kasalanan ay talagang napakasama. Alam nating ang Kautusan ay espirituwal, ngunit ako'y makalaman at alipin ng kasalanan. Hindi ko maunawaan ang aking sarili. Sapagkat hindi ko ginagawa ang gusto ko, sa halip ang kinasusuklaman ko ang siya kong ginagawa. Ngayon, kung ginagawa ko ang hindi ko gusto, nangangahulugang sumasang-ayon ako na mabuti nga ang Kautusan. Kung gayon, hindi na ako ang may kagagawan niyon, kundi ang kasalanang naninirahan sa akin. Alam kong walang mabuting bagay na naninirahan sa aking katawang makalaman. May kakayahan akong naisin ang mabuti, ngunit hindi ko nga lamang ito magawa. Sapagkat hindi ko ginagawa ang mabuting gusto ko, ang masamang hindi ko gusto ang siya kong ginagawa. Kung ang ginagawa ko ay hindi ko nais, hindi na ako ang gumagawa nito kundi ang kasalanang naninirahan sa akin. Ito ang natuklasan ko: kapag nais kong gumawa ng mabuti, ang masama ay malapít sa akin. Sa kaibuturan ng aking puso, ako'y nalulugod sa Kautusan ng Diyos. Ngunit may ibang kapangyarihan sa mga bahagi ng aking katawan na salungat sa tuntunin ng aking isip; binibihag ako ng kapangyarihang ito sa kasalanang naninirahan sa aking katawan. Kay saklap ng aking kalagayan! Sino ang magliligtas sa akin mula sa katawang ito na nagdadala sa akin sa kamatayan? Wala nang iba pa kundi ang Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na ating Panginoon! Salamat sa kanya! Ito nga ang kalagayan ko: sa pamamagitan ng aking isip, pinaglilingkuran ko ang Kautusan ng Diyos, ngunit sa pamamagitan ng aking katawang makalaman ay pinaglilingkuran ko ang tuntunin ng kasalanan. Kaya nga, wala nang kahatulang parusa sa mga taong nakipag-isa na kay Cristo Jesus. Sa pamamagitan ng kautusan ng Espiritung nagbibigay-buhay dahil sa pakikiisa natin kay Cristo-Jesus, pinalaya na ako mula sa kautusan ng kasalanan at kamatayan. Ginawa ng Diyos ang hindi kayang gawin ng Kautusan dahil sa kahinaan ng tao. Isinugo niya ang kanyang sariling Anak sa anyo ng taong makasalanan upang pawiin ang kasalanan. Sa gayon, hinatulan na niya ang kasalanang umaalipin sa tao. Ginawa ito ng Diyos upang ang itinatakda ng Kautusan ay matupad sa atin na namumuhay ayon sa Espiritu at hindi ayon sa hilig ng laman. Ang mga namumuhay ayon sa hilig ng laman ay walang pinapahalagahan kundi ang mga bagay na ukol sa laman; ngunit ang mga namumuhay ayon sa Espiritu ay nagpapahalaga sa mga bagay na espirituwal. Ang pagsunod sa hilig ng laman ay naghahatid sa kamatayan, ngunit ang pagsunod sa Espiritu ay nagdudulot ng buhay at kapayapaan. Kaya nga, kapag itinutuon ng tao ang kanyang pag-iisip sa mga hilig ng laman, siya'y nagiging kaaway ng Diyos sapagkat hindi siya nagpapasakop sa batas ng Diyos, at sadyang hindi niya ito magagawa. At ang nabubuhay ayon sa hilig ng laman ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos. Ngunit hindi na kayo namumuhay ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu. Sa katunayan, naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Kung wala sa isang tao ang Espiritu ni Cristo, hindi kay Cristo ang taong iyon. Ngunit dahil naninirahan sa inyo si Cristo, mamatay man ang inyong mga katawan dahil sa kasalanan, ang espiritu naman ninyo ay buháy sapagkat itinuring na kayong matuwid ng Diyos. Kung naninirahan sa inyo ang Espiritu ng Diyos na siyang muling bumuhay kay Jesu-Cristo, siya ang muling bubuhay sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan din ng kanyang Espiritung naninirahan sa inyo. Mga kapatid, wala tayong pananagutang sundin ang mga hilig ng laman upang mamuhay ayon sa katawang makalaman. Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo ayon sa katawang makalaman, ngunit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu ang mga gawa ng katawang makalaman, mabubuhay kayo. Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos. Sapagkat hindi espiritu ng pagkaalipin ang inyong tinanggap upang kayo'y mamuhay sa takot. Sa halip, ang inyong tinanggap ay ang Espiritu ng pagkupkop upang kayo'y gawing mga anak ng Diyos, kaya tayo'y tumatawag sa kanya ng, “Ama, Ama ko!” Ang Espiritu ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Diyos. At yamang mga anak, tayo'y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo. Sapagkat kung tayo'y kasama niya sa pagtitiis, tayo'y makakasama niya sa kanyang kaluwalhatian. Para sa akin, ang mga pagtitiis natin sa kasalukuyan ay hindi maihahambing sa kaluwalhatiang ipahahayag sa atin balang araw. Sapagkat nananabik ang sangnilikha na ihayag ng Diyos ang kanyang mga anak. Nabigo ang sangnilikha, hindi dahil sa kagustuhan nito, kundi dahil itinulot iyon ng Diyos. Gayunman, nagbigay rin siya ng pag-asa na ang lahat ng nilikha ay pinalaya ng Diyos upang hindi na ito mabulok, at upang makabahagi ito sa maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos. Alam nating hanggang ngayo'y dumaraing ang sangnilikha dahil sa matinding hirap na tulad ng isang nanganganak. At hindi lamang ang sangnilikha, kundi tayong mga tumanggap na ng Espiritu bilang unang kaloob mula sa Diyos ay dumaraing din habang hinihintay natin ang paghahayag ng ating pagiging mga anak ng Diyos at ang pagpapalaya sa ating mga katawan. Naligtas tayo dahil sa pag-asang ito. Ngunit hindi iyon matatawag na pag-asa kung nakikita na natin ang ating inaasahan. Sapagkat sinong tao ang aasa pa kung ito'y nakikita na niya? Ngunit kung umaasa tayo sa hindi natin nakikita, hinihintay natin iyon nang buong tiyaga. Gayundin naman, tinutulungan tayo ng Espiritu sa ating kahinaan sapagkat hindi tayo marunong manalangin nang nararapat, kaya't ang Espiritu ang namamagitan para sa atin, at dumaraing sa paraang hindi natin kayang sambitin. At ang Diyos na siyang nakakasaliksik sa puso ng tao, ang siyang nakakaalam kung ano ang kalooban ng Espiritu, sapagkat ang Espiritu ang namamagitan para sa atin, ayon sa kalooban ng Diyos. Alam nating sa lahat ng bagay ay gumagawa ang Diyos para sa mabuti kasama ang mga nagmamahal sa kanya, silang mga tinawag ayon sa kanyang layunin. Sapagkat sa mula't mula pa'y alam na ng Diyos kung sino ang magiging kanya at ang mga ito'y pinili niya upang maging katulad ng kanyang Anak. Sa gayon, siya ang naging panganay sa lahat ng maraming magkakapatid. Ang mga pinili niya noon pang una ay kanyang tinawag; at ang mga tinawag ay kanya ring pinawalang-sala, at ang mga pinawalang-sala ay kanyang binahaginan ng kanyang kaluwalhatian. Ano pa ang masasabi natin tungkol dito? Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang makakalaban sa atin? Kung ang sarili niyang Anak ay hindi niya ipinagkait, sa halip ay ibinigay para sa ating lahat, hindi kaya niya ibibigay nang masagana sa atin ang lahat ng bagay? Sino ang makakapagharap ng paratang laban sa mga hinirang ng Diyos, gayong ang Diyos ang nagpapawalang-sala sa kanila? Sino ang hahatol upang sila'y parusahan? Si Cristo Jesus ba na namatay, ngunit higit sa lahat ay muling binuhay, at ngayon ay nasa kanan ng Diyos upang mamagitan para sa atin? Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kaguluhan kaya, ang kapighatian, pag-uusig, pagkagutom, kahirapan, panganib, o kamatayan? Ayon sa nasusulat, “Dahil sa inyo'y buong araw kaming pinapatay, turing nila sa amin ay mga tupang kakatayin lamang.” Hindi! Sa lahat ng mga ito, tayo'y lalong higit pang magtatagumpay sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan o ang buhay, ang mga anghel o ang mga pamunuan at ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, ang kataasan o ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon. Sa ngalan ni Cristo, ako'y nagsasabi ng totoo. Hindi ako nagsisinungaling. Ang aking budhi ay nagpapatunay na totoo ang sinasabi ko at saksi ko ang Espiritu Santo. Matindi ang aking kalungkutan at di mapawi ang pagdaramdam ng aking puso, dahil sa mga kalahi kong Judio. Mas mamatamisin ko pang ako'y sumpain at mapahiwalay kay Cristo, kung ito'y sa ikabubuti nila. Sila'y mga Israelita na binigyan ng Diyos ng karapatang maging mga anak niya. Ipinakita rin niya sa kanila ang kanyang kaluwalhatian. Sa kanila nakipagtipan ang Diyos. Sa kanila rin ibinigay ang Kautusan, ang panuntunan sa pagsamba, at ang kanyang mga pangako. Sa kanila rin nagmula ang mga patriyarka, at tungkol sa kanyang pagiging tao, si Cristo ay nagmula sa kanilang lahi. Ang Kataas-taasang Diyos ay purihin magpakailanman! Amen. Hindi ito nangangahulugang nawalan na ng kabuluhan ang salita ng Diyos, sapagkat hindi lahat ng mga Israelita ay kabilang sa bayang pinili niya. At hindi rin naman ibinibilang na anak ni Abraham ang lahat ng nagmula sa kanya. Ganito ang sinabi ng Diyos, “Magmumula kay Isaac ang ibibilang na lahi mo.” Kaya nga, hindi lahat ng anak ni Abraham ay ibinibilang na anak ng Diyos, kundi iyon lamang mga ayon sa pangako ng Diyos. Sapagkat ganito ang pangako, “Babalik ako sa isang taon, sa ganito ring panahon, at magkakaanak ng isang lalaki si Sara.” At hindi lamang iyon. Kahit na iisa lamang ang ama ng dalawang anak ni Rebecca, na walang iba kundi ang ating ninunong si Isaac, Ayon sa nasusulat, “Minahal ko si Jacob, at kinapootan ko si Esau.” Masasabi ba nating hindi makatarungan ang Diyos dahil dito? Hinding-hindi! Sapagkat ganito ang sabi niya kay Moises, “Mahahabag ako sa nais kong kahabagan at maaawa ako sa nais kong kaawaan.” Maliwanag kung gayon, na ang pasya ng Diyos ay nababatay sa kanyang habag, at hindi sa kagustuhan o pagsisikap ng tao. Sapagkat ayon sa kasulatan ay sinabi niya sa hari ng Egipto, “Ginawa kitang hari upang sa pamamagitan mo'y maipakita ko ang aking kapangyarihan, at maipahayag ang aking pangalan sa buong daigdig.” Kaya nga't kinahahabagan ng Diyos ang sinumang nais niyang kahabagan, at pinagmamatigas ang nais niyang maging matigas ang ulo. Sasabihin mo naman sa akin, “Kung gayon, bakit pa sinisisi ng Diyos ang tao? Sino ba ang makakasalungat sa kanyang kalooban?” Tao ka lamang, sino kang mangangahas na sumagot nang ganoon sa Diyos? Masasabi kaya ng isang hinuhubog sa kanyang manghuhubog, “Bakit ninyo ako ginawang ganito?” Wala bang karapatan ang gumagawa ng palayok na bumuo ng mamahalin o mumurahing sisidlan mula sa iisang tumpok ng putik? Kaya, kahit nais nang ipakita noon ng Diyos ang kanyang poot at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, buong tiyaga pa rin niyang pinagtiisan ang mga taong dapat sana'y parusahan at lipulin. Ginawa niya iyon upang ipakilala ang kanyang walang kapantay na kadakilaan sa mga taong kanyang kinahabagan, na noong una pa'y inihanda na niya para sa kaluwalhatian. Tayo ang mga taong iyon na tinawag niya hindi lamang mula sa mga Judio subalit mula rin sa mga Hentil. Ganito ang sinasabi niya sa aklat ni Oseas, “Ang dating hindi ko bayan ay tatawaging ‘Bayan ko,’ at ang dating hindi ko mahal ay tatawaging ‘Mahal ko.’ At sa lugar kung saan sinabing ‘Kayo'y hindi ko bayan,’ sila'y tatawaging mga anak ng Diyos na buháy.” Ito naman ang ipinahayag ni Isaias tungkol sa Israel, “Kahit na maging kasindami ng buhangin sa dagat ang bilang ng mga anak ni Israel, kaunti lamang ang matitira sa kanila na maliligtas. Sapagkat mahigpit at mabilis na hahatulan ng Panginoon ang daigdig.” Si Isaias din ang nagsabi, “Kung ang Makapangyarihang Panginoon ay hindi nagtira ng ilan sa ating lahi, tayo sana'y naging katulad ng Sodoma at Gomorra.” Ano ngayon ang masasabi natin? Ang mga Hentil na hindi nagsikap na maging matuwid sa harapan ng Diyos ay itinuring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya. Ngunit ang Israel naman, na nagsikap na maging matuwid sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan, ay nabigo. Bakit? Dahil sinikap nilang kalugdan sila ng Diyos sa pamamagitan ng mga gawa, at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya. Natisod sila sa batong katitisuran, tulad ng nasusulat, “Tingnan ninyo, naglalagay ako sa Zion ng batong katitisuran, isang malaking bato na sa kanila'y magpapabuwal. Ngunit ang sumasampalataya sa batong ito ay hindi mapapahiya.” Mga kapatid, ang pinakananais ng puso ko at idinadalangin ko sa Diyos ay ang maligtas ang Israel. Sapagkat saksi ako na sila'y masigasig na maging kalugud-lugod sa Diyos. Hindi nga lamang batay sa tamang kaalaman. Dahil hindi nila kinilala ang pamamaraan ng Diyos upang gawing matuwid ang tao, at nagsikap silang gumawa ng sarili nilang pamamaraan; hindi sila nagpasakop sa pamamaraang itinakda ng Diyos. Sapagkat si Cristo ang kaganapan ng Kautusan, upang ituring na matuwid ng Diyos ang sinumang sumasampalataya sa kanya. Ganito ang isinulat ni Moises tungkol sa pagiging matuwid batay sa Kautusan, “Ang tumutupad sa Kautusan ay mabubuhay ayon dito.” Ngunit ganito naman ang sinasabi tungkol sa pagiging matuwid batay sa pananampalataya, “Huwag mong sabihin sa iyong sarili, ‘Sino ang aakyat sa langit?’” upang pababain si Cristo. “Huwag mo ring sabihin, ‘Sino ang bababâ sa kailaliman?’” upang muling buhayin si Cristo. Sapagkat ganito ang sinasabi, “Malapit sa iyo ang mensahe, nasa iyong bibig at nasa iyong puso.” Ang tinutukoy dito'y ang salitang ipinapangaral namin tungkol sa pananampalataya. Kung ipahahayag ng iyong bibig na si Jesus ay Panginoon at buong puso kang sasampalataya na siya'y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka. Sapagkat sumasampalataya ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso at sa gayon ay itinuturing na matuwid ng Diyos. Nagpapahayag naman siya sa pamamagitan ng kanyang bibig at sa gayon ay naliligtas. Sinabi nga ng kasulatan, “Ang sinumang sumasampalataya sa kanya ay hindi mapapahiya.” Kaya't walang pagkakaiba ang katayuan ng Judio at ng Hentil. Iisa ang Panginoon ng lahat at siya'y masaganang nagbibigay sa lahat ng tumatawag sa kanya, dahil sinasabi sa kasulatan, “Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon.” Paano naman sila tatawag sa kanya kung hindi sila sumasampalataya? Paano sila sasampalataya kung wala pa silang napakinggan tungkol sa kanya? Paano naman sila makakapakinig kung walang mangangaral sa kanila? At paanong makakapangaral ang sinuman kung hindi siya isinugo? Tulad ng nasusulat, “O kay gandang pagmasdan ang pagdating ng mga nagdadala ng Magandang Balita!” Ngunit hindi lahat ay sumunod sa Magandang Balita, gaya ng sinulat ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa aming ibinalita?” Kaya't ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig, at ang pakikinig naman ay bunga ng pangangaral tungkol kay Cristo. Subalit ang tanong ko'y ganito: Hindi kaya sila nakapakinig? Oo, sila'y nakapakinig! Sapagkat nasusulat, “Abot sa lahat ng dako ang kanilang tinig, ang sinasabi nila'y nakarating hanggang sa dulo ng daigdig.” Ito pa ang isa kong tanong: Hindi kaya nakaunawa ang bansang Israel? Noon pa man ay sinabi na ni Moises, “Gagamitin ko ang mga taong di man lamang isang bansa upang kayo'y inggitin, gagamitin ko ang isang bansang hangal upang kayo'y galitin.” Buong tapang namang ipinahayag ni Isaias, “Natagpuan ako ng mga hindi naghanap sa akin. Nagpahayag ako sa mga hindi nag-usisa tungkol sa akin.” Subalit tungkol naman sa Israel ay sinabi niya, “Buong maghapon akong nanawagan sa isang suwail at mapaghimagsik na bayan!” Ito ngayon ang tanong ko: Itinakwil ba ng Diyos ang kanyang sariling bayan? Hinding-hindi! Sa katunayan, ako man ay isang Israelita, mula sa lahi ni Abraham at kabilang sa lipi ni Benjamin. Hindi itinakwil ng Diyos ang kanyang bayan na sa simula pa'y pinili na niya. Hindi ba ninyo alam ang sinasabi ng kasulatan tungkol kay Elias? Dumaing siya sa Diyos laban sa Israel. Sinabi niya, “Panginoon, pinatay nila ang iyong mga propeta at giniba ang iyong mga altar. Ako na lamang ang natitira, at gusto pa nila akong patayin!” Ngunit ano ang sagot sa kanya ng Diyos? “Nagtira ako ng pitong libong lalaking hindi sumamba sa diyus-diyosang si Baal.” Ganoon din sa kasalukuyan; mayroon pang nalalabing mga hinirang ng Diyos dahil sa kanyang kagandahang-loob. At kung iyon ay dahil sa kanyang kagandahang-loob, maliwanag na iyon ay hindi dahil sa gawa, sapagkat kung ang ginawa ng tao ang batayan, hindi na iyon masasabing kagandahang-loob. Ano ngayon? Hindi nakamtan ng bansang Israel ang kanyang minimithi. Ang mga hinirang lamang ang nagkamit nito ngunit matigas ang ulo ng iba. Tulad ng nasusulat: “Binigyan sila ng Diyos ng mapurol na diwa, mga matang hindi makakita at mga taingang hindi makarinig, hanggang sa panahong ito.” At sinabi rin ni David, “Maging bitag at patibong nawa ang kanilang pagpipista, isang katitisuran at parusa sa kanila. Lumabo nawa ang kanilang mata nang hindi sila makakita, at sila'y makuba sa hirap habang buhay.” Ito naman ang tanong ko ngayon: Ang pagkatisod ba nila ay upang sila'y tuluyan nang mabuwal? Hinding-hindi! Sa halip, dahil sa kanilang kasalanan, ang kaligtasan ay nakarating sa mga Hentil upang mainggit ang mga Israelita sa mga ito. Ngayon, kung ang kasalanan ng mga Israelita ay nagdulot ng masaganang pagpapala sa sanlibutan, at kung ang kanilang pagbagsak ay nagdulot ng masaganang pagpapala sa mga Hentil, gaano pa kaya kapag nagbalik-loob sa Diyos ang buong Israel! Ito naman ang sasabihin ko sa inyo, mga Hentil. Dahil ako'y apostol para sa inyo, ipinagmamalaki ko ang aking katungkulan. Ginagawa ko ito upang inggitin ang aking mga kababayang Judio, at nang sa gayon ay maligtas kahit ang ilan sa kanila. Kung ang pagkatakwil sa kanila ay naging daan upang ipagkasundo sa Diyos ang sanlibutan, ang muling pagtanggap sa kanila ng Diyos ay matutulad sa muling pagkabuhay ng patay! Kung banal ang unang tinapay mula sa masa ng harina, gayundin ang buong masa. At kung ang ugat ng punongkahoy ay banal, gayundin ang mga sanga nito. Kung pinutol ang ilang sanga ng punong olibo, at ikaw na sanga ng olibong ligaw ang idinugtong sa puno upang makabahagi sa buhay na nanggagaling sa ugat ng punong ito, huwag kang magmalaki sa mga sangang pinutol. Alalahanin mong hindi ikaw ang bumubuhay sa mga ugat; ang mga ugat ang bumubuhay sa iyo. Sasabihin mo naman, “Pinutol ang mga sanga upang ako'y maidugtong.” Totoo iyan. Pinutol sila dahil hindi sila sumampalataya, ngunit ikaw naman ay nananatili sa puno dahil sa iyong pananampalataya. Kaya't huwag kang magmalaki, sa halip ay matakot ka. Sapagkat kung ang mga tunay na sanga ay hindi pinanghinayangan ng Diyos, ikaw pa kaya ang panghinayangan niya? Dito'y nakikita natin ang kabutihan at kabagsikan ng Diyos. Naging mabagsik siya sa mga hindi sumasampalataya sa kanya, subalit mabuti siya sa inyo, kung mananatili kayo sa kanyang kabutihan. Kung hindi, kayo ma'y puputulin din. Ang mga Judio'y idudugtong niyang muli sa puno kung sila ay sasampalataya, sapagkat kayang gawin iyon ng Diyos. Kung ikaw na sangang galing sa olibong ligaw ay naidugtong sa tunay na olibo, kahit na ito'y salungat sa kalikasan, lalo pang madaling idugtong sa puno ang mga talagang sanga nito. Mga kapatid, isang hiwaga ang nais kong malaman ninyo upang hindi maging mataas ang palagay ninyo sa inyong sarili. Ang pagmamatigas ng Israel ay sa isang bahagi lamang hanggang sa mabuo ang takdang bilang ng lahat ng mga Hentil na lalapit sa Diyos. Sa paraang ito, maliligtas ang buong Israel; tulad ng nasusulat: “Magmumula sa Zion ang Tagapagligtas. Papawiin niya ang kasamaan sa lahi ni Jacob. At ito ang gagawin kong kasunduan namin kapag pinawi ko na ang kanilang mga kasalanan.” Dahil tinanggihan ng mga Israelita ang Magandang Balita, sila'y naging kaaway ng Diyos, at kayong mga Hentil ang nakinabang. Ngunit dahil sa sila ang mga hinirang ng Diyos, sila'y mahal pa rin niya, alang-alang sa kanilang mga ninuno. Sapagkat hindi nagbabago ng isip ang Diyos tungkol sa kanyang mga kaloob at pagtawag. Noon, kayong mga Hentil ay hindi sumusunod sa Diyos, ngunit ngayon, kayo ay tumanggap ng habag ng Diyos nang sumuway ang mga Judio. Gayundin naman, dahil sa habag ng Diyos na inyong naranasan, sinusuway naman ngayon ng mga Judio ang Diyos, nang sa gayo'y maranasan din nila [ngayon] ang kanyang habag. Sapagkat hinayaan ng Diyos na maalipin sa pagsuway ang lahat ng tao upang maipadama niya sa kanila ang kanyang habag. Lubhang napakasagana ng kayamanan ng Diyos! Di matarok ang kanyang karunungan at kaalaman! Sino ang makakapagpaliwanag ng kanyang mga kapasyahan? Sino ang makakaunawa ng kanyang mga pamamaraan? Gaya ng nasusulat, “Sino ang nakakaalam sa pag-iisip ng Panginoon? Sino ang maaaring maging tagapayo niya? Sino ang nakapagbigay ng anuman sa kanya na dapat niyang bayaran?” Sapagkat ang lahat ng bagay ay mula sa kanya, sa pamamagitan niya, at pag-aari niya. Sa kanya ang karangalan magpakailanman! Amen. Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako'y nakikiusap sa inyo na ialay ninyo ang inyong sarili bilang isang handog na buháy, banal at kalugud-lugod sa Diyos. Ito ang karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos. Huwag kayong makiayon sa takbo ng mundong ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin ng Diyos ang inyong pag-iisip upang maunawaan ninyo ang kanyang kalooban. Sa gayon, magagawa ninyo kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin, sinasabi ko sa bawat isa sa inyo, huwag ninyong pahalagahan ang inyong sarili nang higit sa nararapat. Sa halip, pakaisipin ninyong mabuti ang tunay ninyong katayuan ayon sa sukat ng pananampalatayang ipinagkaloob ng Diyos sa bawat isa sa inyo. Kung paanong ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at magkakaiba ang gawain ng mga ito, gayundin naman, kahit na tayo'y marami, nabubuo tayo sa iisang katawan ni Cristo, at tayong lahat ay bahagi ng isa't isa. Tumanggap tayo ng iba't ibang kaloob ayon sa kagandahang-loob ng Diyos, kaya't gamitin natin ang mga kaloob na iyan. Kung ang ating kaloob ay pagsasalita ng pahayag mula sa Diyos, magpahayag tayo ayon sa sukat ng ating pananampalataya. Kung paglilingkod ang ating kaloob, maglingkod tayo. Magturo ang tumanggap ng kaloob sa pagtuturo. Magpalakas ng loob ang may kaloob sa pagpapalakas ng loob. Kung pagbibigay ang inyong kaloob, magbigay kayo nang buong puso; kung pamumuno naman, mamuno kayo nang buong sikap. Kung pagkakawanggawa ang inyong kaloob, gawin ninyo iyan nang buong galak. Maging tunay ang inyong pagmamahalan. Kasuklaman ninyo ang masama at pakaibigin ang mabuti. Magmahalan kayo bilang magkakapatid at pahalagahan ninyo ang iba nang higit sa pagpapahalaga nila sa inyo. Magpakasipag kayo at huwag maging tamad. Buong puso kayong maglingkod sa Panginoon. Magalak kayo dahil sa inyong pag-asa, magtiyaga kayo sa inyong kapighatian at palaging manalangin. Tumulong kayo sa pangangailangan ng mga kapatid at patuluyin ninyo ang mga taga-ibang lugar. Idalangin ninyo ang mga umuusig sa inyo; idalangin ninyo sila at huwag sumpain. Makigalak kayo sa mga nagagalak, at makitangis sa mga tumatangis. Magkaisa kayo ng saloobin. Huwag kayong magmayabang, sa halip ay makisama kayo kahit sa mga dukha. Huwag ninyong ipalagay na kayo'y napakarunong. Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama. Sikapin ninyong mamuhay nang marangal sa harap ng lahat ng mga tao. Hangga't maaari, gawin ninyo ang inyong makakaya upang mamuhay kayo nang mapayapa kasama ng sinuman. Mga minamahal, huwag kayong maghihiganti; ipaubaya ninyo iyon sa galit ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Akin ang paghihiganti, ako ang gaganti, sabi ng Panginoon.” Sa halip, “Kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo; kung nauuhaw, painumin mo; sa gayon ay magbubunton ka ng mga baga sa kanyang ulo.” Huwag kayong magpadaig sa masama, kundi daigin ninyo ng mabuti ang masama. Ang bawat tao'y dapat pasakop sa mga pinuno ng pamahalaan, sapagkat walang pamahalaang hindi mula sa Diyos, at ang Diyos ang nagtatag ng mga pamahalaang umiiral. Kaya nga, ang lumalaban sa pamahalaan ay lumalaban sa itinalaga ng Diyos; at sila'y nararapat sa parusa. Ang mga pinuno ay hindi dapat katakutan ng taong gumagawa ng mabuti. Ang mga gumagawa lamang ng masama ang dapat matakot. Kung ayaw mong matakot sa mga namumuno, gumawa ka ng mabuti, at pararangalan ka nila. Sila'y mga lingkod ng Diyos para sa ikabubuti mo. Ngunit kung gumagawa ka ng masama, dapat kang matakot dahil sila'y may kapangyarihang magparusa. Sila'y mga lingkod ng Diyos, na nagpaparusa sa mga gumagawa ng masama. Kaya nga, dapat kayong pasakop sa kanila, hindi lamang upang hindi kayo maparusahan, kundi alang-alang na rin sa inyong budhi. Iyan din ang dahilan kung bakit kayo nagbabayad ng buwis. Ang mga pinuno ng pamahalaan ay mga lingkod ng Diyos at ito ang kanilang tungkulin. Ibigay ninyo sa bawat isa ang nararapat sa kanya. Magbayad kayo sa mga dapat bayaran at magbigay kayo ng buwis sa dapat buwisan; igalang ninyo ang dapat igalang at parangalan ninyo ang dapat parangalan. Huwag kayong magkaroon ng sagutin kaninuman, maliban na kayo'y magmahalan sa isa't isa, sapagkat ang nagmamahal sa kapwa ay nakatupad na sa Kautusan. Ang mga utos gaya ng, “Huwag kang mangangalunya; huwag kang papatay; huwag kang magnanakaw; huwag mong pagnanasaang maangkin ang pag-aari ng iba;” at alinmang utos na tulad ng mga ito ay nauuwing lahat sa iisang utos, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” Ang umiibig ay hindi gumagawa ng masama kaninuman, kaya't ang pag-ibig ang katuparan ng Kautusan. Gawin ninyo ito, dahil alam ninyong panahon na upang gumising kayo. Ang pagliligtas sa atin ay higit nang malapit ngayon kaysa noong tayo'y unang sumampalataya sa Panginoon. Namamaalam na ang gabi at malapit nang lumiwanag. Layuan na natin ang lahat ng masasamang gawain at italaga natin ang sarili sa paggawa ng mabuti. Mamuhay tayo sa liwanag at huwag gugulin ang panahon sa magulong pagsasaya at paglalasing, kahalayan at kalaswaan, sa alitan at inggitan. Gawin ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo bilang sandata at huwag ninyong pagbigyan ang laman upang masunod ang mga hilig nito. Tanggapin ninyo ang mahihina sa kanilang paniniwala, at huwag makipagtalo sa kanya tungkol sa kanyang kuru-kuro. May naniniwalang maaari siyang kumain ng anuman, ngunit gulay lamang ang kinakain ng mahina sa kanyang paniniwala. Huwag hamakin ng taong kumakain ng anuman ang taong kumakain ng gulay lamang. At huwag namang hatulan ng kumakain ng gulay lamang ang taong kumakain ng anuman, sapagkat siya'y tinatanggap din ng Diyos. Sino ka upang humatol sa lingkod ng iba? Ang panginoon lamang niya ang makahahatol kung siya'y karapat-dapat o hindi. At ituturing naman siyang karapat-dapat sapagkat kayang gawin iyon ng Panginoon. May nagpapahalaga sa isang araw nang higit kaysa ibang mga araw. May naniniwala namang pare-pareho ang lahat ng araw. Dapat tiyakin ng bawat isa kung ano ang kanyang pasya tungkol sa bagay na ito. Ang nagpapahalaga sa isang araw ay nagpapahalaga rito alang-alang sa Panginoon. Ang kumakain ng anuman ay kumakain niyon alang-alang sa Panginoon, sapagkat nagpapasalamat siya sa Diyos. Iyon namang hindi kumakain ng ilang uri ng pagkain ay gumagawa ng ganoon alang-alang din sa Panginoon, at nagpapasalamat din siya sa Diyos. Walang sinuman sa atin ang nabubuhay o namamatay para sa sarili lamang. Kung tayo'y nabubuhay, para sa Panginoon tayo nabubuhay; at kung tayo'y namamatay, para sa Panginoon tayo namamatay. Kaya nga, sa mabuhay o sa mamatay, tayo'y sa Panginoon. Sapagkat si Cristo ay namatay at muling nabuhay upang maging Panginoon ng mga patay at ng mga buháy. Ngunit ikaw, bakit mo hinahatulan ang iyong kapatid? At ikaw naman, bakit mo hinahamak ang iyong kapatid? Tayong lahat ay haharap sa hukuman ng Diyos. Sapagkat nasusulat, “Sabi ng Panginoon, ‘Dahil ako'y buháy, ang lahat ay luluhod sa harap ko, at ang bawat isa'y magpupuri sa Diyos.’” Kaya't bawat isa sa atin ay magbibigay-sulit sa Diyos. Huwag na tayong humatol sa isa't isa. Huwag rin tayong maging dahilan ng pagkatisod o pagkakasala ng ating kapatid. Dahil sa aking pakikipag-isa sa Panginoong Jesus, natitiyak kong walang anumang likas na marumi. Ngunit kung ang sinuman ay naniniwalang marumi ang anumang bagay, marumi nga iyon sa kanya. Kaya, kung dahil sa kinakain mo ay natitisod ang iyong kapatid, hindi na ayon sa pag-ibig ang ginagawa mo. Huwag mong ipahamak ang taong tinubos ng kamatayan ni Cristo dahil sa iyong kinakain. Pag-ingatan mong ang inaakala mong mabuti ay huwag masamain ng iba. Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay hindi tungkol sa pagkain o inumin; ito ay tungkol sa matuwid na pamumuhay, kapayapaan, at kagalakan na ipinagkakaloob ng Espiritu Santo. Ang naglilingkod kay Cristo nang may ganitong kaisipan ay kinalulugdan ng Diyos at iginagalang ng mga tao. Kaya't lagi nating pagsikapang gawin ang mga bagay na makakapagdulot ng kapayapaan at makakapagpalakas sa isa't isa. Huwag ninyong sirain ang ginawa ng Diyos dahil lamang sa pagkain. Lahat ng pagkain ay malinis at maaaring kainin. Ngunit hindi mabuti na magkakasala ang iba dahil sa iyong kinakain. Mabuti ang huwag nang kumain ng karne o uminom ng alak o gumawa ng anumang magiging sanhi ng pagkakasala ng iyong kapatid. Ikaw at ang Diyos lamang ang dapat makaalam ng iyong paniniwala tungkol sa bagay na ito. Pinagpala ang taong hindi sinusumbatan ng kanyang budhi kapag ginagawa niya ang mga bagay na pinaniniwalaan niyang tama. Ngunit ang sinumang kumakain sa kabila ng kanyang pag-aalinlangan ay nagkakasala, sapagkat hindi siya nagiging tapat sa kanyang paniniwala. Ang paggawa ng anuman na labag sa sariling paniniwala ay kasalanan. Tayong malalakas sa paniniwala ay dapat tumulong sa mahihina at huwag ang pansariling kasiyahan lamang ang ating isipin. Sikapin nating lahat na itaguyod ang kapakanan ng ating kapwa para sa kanyang ikalalakas. Sapagkat maging si Cristo man ay hindi naghangad ng sariling kasiyahan subalit nagpaubaya; tulad ng nasusulat, “Ako ang binagsakan ng mga pag-alipusta na sa iyo ipinapatama.” Anumang nasa Kasulatan noon pang una ay nasulat sa ikatututo natin, upang sa pamamagitan ng pagtitiis at sa pagpapalakas ng loob mula sa kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa. Ipagkaloob nawa ng Diyos, na siyang nagbibigay sa atin ng katatagan at lakas ng loob, na kayo'y mamuhay nang may pagkakaisa ayon kay Cristo Jesus, upang sa gayon, nagkakaisa kayong magpupuri sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Kung paanong kayo'y malugod na tinanggap ni Cristo, tanggapin ninyo ang isa't isa upang mapapurihan ang Diyos. Sinasabi ko sa inyo, si Cristo'y naglingkod sa mga Judio upang patunayang ang Diyos ay tapat, at tumutupad sa mga pangako niya sa kanilang mga ninuno, at upang ang mga Hentil naman ay magpuri sa Diyos dahil sa kanyang habag. Tulad ng nasusulat, “Kaya't sa gitna ng mga Hentil, ika'y aking pupurihin, At aawitan ko ang iyong pangalan.” Sinabi rin, “Magalak kayo mga Hentil, kasama ng kanyang bayan!” At muling sinabi, “Magpuri kayo sa Panginoon, kayong mga Hentil, lahat ng bansa ay magpuri sa kanya!” Sinabi pa ni Isaias, “May isisilang sa angkan ni Jesse, upang maghari sa mga Hentil; siya ang kanilang magiging pag-asa.” Puspusin nawa kayo ng Diyos na siyang bukal ng pag-asa, at nawa ay pagkalooban niya kayo ng kagalakan at kapayapaan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, upang mag-umapaw ang inyong pag-asa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Mga kapatid, lubos akong naniniwalang kayo mismo ay puspos ng kabutihan at punô ng kaalaman, kaya't matuturuan na ninyo ang isa't isa. Gayunman, sa sulat na ito'y naglakas-loob akong paalalahanan kayo tungkol sa ilang bagay. Ginawa ko ito dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin upang maging lingkod ni Cristo Jesus at gumanap ng tungkulin gaya ng isang pari sa mga Hentil. Ipinapangaral ko sa kanila ang Magandang Balita ng Diyos upang sila'y maging handog na kalugud-lugod sa kanya, dahil sila ay ginawang banal ng Espiritu Santo. Kaya't sa pakikiisa ko kay Cristo Jesus, maipagmamalaki ko ang aking paglilingkod sa Diyos. Wala akong pinapangahasang ipagmalaki kundi ang ginawa ni Cristo upang maakit ang mga Hentil na sumunod sa Diyos sa pamamagitan ng aking mga salita at gawa, sa tulong ng mga himala at mga kababalaghan, at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos. Kaya't mula sa Jerusalem hanggang sa Ilirico, ipinangaral ko ang Magandang Balita tungkol kay Cristo. Ang hangad ko'y ipangaral ito sa mga lugar na hindi pa nakikilala si Cristo, upang hindi ako magtayo sa pundasyon ng iba. Subalit tulad ng nasusulat, “Makakakilala ang hindi pa nakakabalita tungkol sa kanya. Makakaunawa ang hindi pa nakakarinig tungkol sa kanya.” Iyan ang dahilan kung bakit hindi ako matuluy-tuloy sa pagpunta sa inyo. Ngunit ngayong tapos na ang gawain ko sa lupaing ito, at dahil matagal ko na ring gustong pumunta riyan, inaasahan kong magkikita-kita tayo pagdaan ko riyan papuntang Espanya. Inaasahan ko ring ako'y tutulungan ninyong makarating doon matapos nating magkasama-sama nang sandaling panahon. Ngunit sa ngayon ay pupunta muna ako sa Jerusalem upang dalhin ang tulong sa mga kapatid roon. Sapagkat minabuti ng mga taga-Macedonia at taga-Acaya na magpadala ng tulong para sa mga mahihirap na kapatid sa Jerusalem. Malugod nilang ginawa iyon, at talaga namang dapat nilang gawin. Dahil ang mga Hentil ay nakabahagi sa mga pagpapalang espirituwal ng mga Judio, marapat lamang na bahaginan nila ang mga Judio sa pamamagitan ng mga pagpapalang materyal. Kaya't pagkabigay ko ng nasabing tulong sa mga kapatid sa Jerusalem, daraan ako riyan pagpunta ko sa Espanya. Naniniwala akong pagpunta ko riyan ay taglay ko ang masaganang pagpapala ni Cristo. Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo, alang-alang sa ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pag-ibig ng Espiritu, tulungan ninyo ako sa pamamagitan ng inyong taimtim na pananalangin para sa akin. Idalangin ninyong maligtas ako mula sa mga taga-Judea na ayaw sumampalataya, at nawa'y tanggapin ng mga kapatid sa Jerusalem ang paglilingkod ko para sa kanila. Sa gayon, kung loloobin ng Diyos, masaya akong makakarating diyan at muling pasiglahin sa inyong piling. Sumainyo nawa ang Diyos na pinagmumulan ng kapayapaan. Amen. Itinatagubilin ko sa inyo ang ating kapatid na si Febe, na isang tagapaglingkod ng iglesya sa Cencrea. Tanggapin ninyo siya alang-alang sa Panginoon, gaya ng nararapat gawin sa mga hinirang ng Diyos. Tulungan ninyo siya sa anumang pangangailangan niya sapagkat marami siyang natulungan, at ako'y isa sa mga iyon. Ikumusta ninyo ako kina Priscila at Aquila na mga kamanggagawa ko kay Cristo Jesus. Itinaya nila ang kanilang sarili sa panganib upang iligtas ang aking buhay, at hindi lamang ako ang nagpapasalamat sa kanila, pati na rin lahat ng iglesya ng mga Hentil. Ikumusta rin ninyo ako sa iglesyang nagtitipon sa kanilang bahay. Ipaabot din ninyo ang aking pangungumusta sa mahal kong kaibigang si Epeneto na siyang unang sumampalataya kay Cristo doon sa Asia. Ikumusta ninyo ako kay Maria na matiyagang naglilingkod para sa inyo. Ikumusta ninyo ako sa mga kababayan kong sina Andronico at Junia, na nakasama ko sa bilangguan; sila'y kilala ng mga apostol at naunang naging Cristiano kaysa sa akin. Ikumusta ninyo ako kay Ampliato na aking minamahal sa Panginoon, kay Urbano, na kamanggagawa natin kay Cristo, at sa mahal kong kaibigang si Estaquis. Ikumusta din ninyo ako kay Apeles na subok ang katapatan kay Cristo, sa pamilya ni Aristobulo, sa kababayan kong si Herodion, at sa mga kapatid sa Panginoon sa sambahayan ni Narciso. Gayundin kina Trifena at Trifosa na mga lingkod ng Panginoon, at sa mahal kong kaibigang si Persida, na marami nang nagawa para sa Panginoon. Binabati ko rin si Rufo na magiting na lingkod ng Panginoon, at ang kanyang ina na para ko na ring ina; gayundin sina Asincrito, Flegonte, Hermes, Patrobas, Hermas, at sa mga kapatid na kasama nila. Binabati ko rin sina Filologo, Julia, Nereo at ang kanyang kapatid na babae; gayundin si Olimpas at ang lahat ng kapatid na kasama nila. Magbatian kayo bilang magkakapatid na nagmamahalan. Binabati kayo ng lahat ng mga iglesya ni Cristo. Mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo: mag-ingat kayo sa mga pasimuno ng mga pagkakampi-kampi at sanhi ng pagtalikod dahil sa pagsalungat nila sa aral na tinanggap ninyo. Iwasan ninyo sila. Ang mga taong gayon ay hindi naglilingkod kay Cristo na Panginoon natin, kundi sa pansariling hangarin. Inililigaw nila ang mga may mahinang pag-iisip sa pamamagitan ng kaakit-akit at matatamis na pangungusap. Balitang-balita ang inyong pagkamasunurin kay Cristo, at ikinagagalak ko ito. Ngunit nais kong maging matalino kayo tungkol sa mga bagay na mabuti at walang muwang tungkol sa masama. Ang Diyos ang bukal ng kapayapaan at malapit na niyang pasukuin sa inyo si Satanas. Sumainyo nawa ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesus. Binabati kayo ni Timoteo na aking kamanggagawa, gayundin ng mga kababayan kong sina Lucio, Jason at Sosipatro. Akong si Tercio, na tagasulat ng liham na ito, ay bumabati sa inyo sa pangalan ng Panginoon. Kinukumusta kayo ni Gaius na tinutuluyan ko; sa bahay niya nagtitipon ang buong iglesya. Kinukumusta rin kayo ni Erasto na ingat-yaman ng lungsod, at ng ating kapatid na si Cuarto. [ Nawa'y pagpalain kayong lahat ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen.] [ Purihin ang Diyos na makapagpapalakas sa inyo sa pamamagitan ng Magandang Balita tungkol kay Jesu-Cristo na ipinapangaral ko. Ang Magandang Balitang iyan ay isang hiwagang naitago sa loob ng mahabang panahon, subalit sa utos ng walang-hanggang Diyos ay nahayag ngayon sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng mga isinulat ng mga propeta, upang ang lahat ay sumunod dahil sa kanilang pananampalataya sa kanya. Sa iisang Diyos, na sa lahat ay ganap ang karunungan—sa kanya iukol ang karangalan magpakailanman sa pamamagitan ni Jesu-Cristo! Amen.] Mula kay Pablo na tinawag ayon sa kalooban ng Diyos upang maging apostol ni Cristo Jesus, at mula kay Sostenes na ating kapatid, para sa iglesya ng Diyos na nasa Corinto, sa mga tinawag upang maging kabilang sa sambayanan ng Diyos sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo Jesus, gayundin sa lahat ng tao na nasa lahat ng dako na tumatawag sa pangalan ni Jesu-Cristo, na Panginoon nating lahat. Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Cristo. Lagi akong nagpapasalamat sa Diyos dahil sa mga pagpapalang ibinigay niya sa inyo sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo, kayo ay naging masagana sa lahat ng bagay, maging sa pananalita at sa kaalaman. Ang katotohanan tungkol kay Cristo ay pinagtibay sa inyo kaya't hindi kayo nagkukulang sa anumang pagpapala, habang hinihintay ninyo ang pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Kayo'y gagawin niyang matatag hanggang wakas upang matagpuan kayong walang kapintasan sa araw ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Tapat ang Diyos na tumawag sa inyo upang makipag-isa sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo na ating Panginoon. Mga kapatid, ako'y nakikiusap sa inyo, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, magkaisa kayo at huwag magkabaha-bahagi maging sa pagkaunawa at pagpapasya. Sapagkat ibinalita sa akin ng mga kasamahan ni Cloe na kayo raw ay nag-aaway-away. Ito ang tinutukoy ko: may nagsasabing, “Kay Pablo ako;” may nagsasabi namang, “Ako'y kay Apolos.” May iba pa ring nagsasabi, “Kay Pedro ako,” at may iba namang nagsasabi, “Ako'y kay Cristo.” Bakit? Nahati ba si Cristo? Si Pablo ba ang ipinako sa krus para sa inyo? Binautismuhan ba kayo sa pangalan niya? Salamat sa Diyos at wala akong binautismuhan sa inyo maliban kina Crispo at Gaius, kaya hindi ninyo masasabing kayo'y binautismuhan sa aking pangalan. Ako nga rin pala ang nagbautismo sa sambahayan ni Estefanas. Maliban sa kanila'y wala na akong natatandaang binautismuhan ko. Sapagkat isinugo ako ni Cristo, hindi upang magbautismo kundi upang mangaral ng Magandang Balita, at hindi sa pamamagitan ng mahusay na pagtatalumpati at karunungan ng tao, nang sa gayon ay hindi mawalan ng kabuluhan ang pagkamatay ni Cristo sa krus. Ang mensahe tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus ay kahangalan para sa mga taong napapahamak, ngunit ito'y kapangyarihan ng Diyos para sa ating mga naliligtas. Sapagkat nasusulat, “Sisirain ko ang karunungan ng marurunong at gagawin kong walang saysay ang katalinuhan ng matatalino.” Ano ngayon ang kabuluhan ng marurunong, ng mga tagapagturo ng Kautusan, ng mahuhusay na debatista sa kapanahunang ito? Ipinapakita ng Diyos na ang karunungan ng sanlibutang ito ay pawang kahangalan lamang. Sapagkat ayon sa karunungan ng Diyos, hindi niya pinahintulutang siya'y makilala ng tao sa pamamagitan ng kanilang karunungan. Sa halip, minarapat niyang iligtas ang mga nagpapasakop sa kanya sa pamamagitan ng Magandang Balita na aming ipinapangaral, na sa tingin ng iba'y isang kahangalan. Ang mga Judio'y humihingi ng himala bilang katunayan. Karunungan naman ang hinahanap ng mga Griego. Ngunit ang ipinapangaral namin ay si Cristo na ipinako sa krus, na para sa mga Judio ay isang katitisuran at para sa mga Hentil ay isang kahangalan. Subalit sa mga tinawag ng Diyos, maging Judio o maging Griego, si Cristo ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos. Sapagkat ang inaakala nilang kahangalan ng Diyos ay karunungang higit pa sa karunungan ng tao, at ang inaakala nilang kahinaan ng Diyos ay kalakasang higit pa sa kalakasan ng tao. Mga kapatid, alalahanin ninyo ang inyong katayuan noong kayo'y tawagin ng Diyos. Ayon sa pamantayan ng tao ay iilan lamang sa inyo ang matatawag na marunong, makapangyarihan at maharlika. Subalit pinili ng Diyos ang mga naturingang hangal sa sanlibutan upang hiyain ang marurunong, at pinili niya ang mga naturingang mahihina upang hiyain ang malalakas. Pinili niya ang mga pangkaraniwang tao, mga hinahamak, at mga mahihina sa sanlibutang ito upang ipawalang saysay ang mga kinikilala ng sanlibutan. Kaya't walang sinumang makakapagmalaki sa harap ng Diyos. Sa kanya nagmula ang buhay na taglay ninyo dahil sa pakikipag-isa ninyo kay Cristo Jesus na siyang ginawang karunungan natin. Sa pamamagitan din niya, tayo'y itinuring na matuwid, ginawang banal at iniligtas ng Diyos. Kaya nga, tulad ng nasusulat, “Ang sinumang nais magmalaki, ang ginawa ng Panginoon ang kanyang ipagmalaki.” Mga kapatid, nang ako'y pumunta riyan, ipinahayag ko sa inyo ang hiwaga ng Diyos hindi sa pamamagitan ng kahusayan ng pananalita o ng malawak na karunungan. Sapagkat noong ako'y nariyan, ipinasya kong wala akong ibang ipapaalam sa inyo maliban kay Jesu-Cristo at ang kanyang kamatayan sa krus. Noong ako'y nariyan, ako'y nanghihina at nanginginig sa takot. Sa aking pananalita at pangangaral ay hindi ko sinubukang hikayatin kayo sa pamamagitan ng mahuhusay na talumpati at karunungan ng tao. Subalit nangaral ako sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu upang ang inyong pananampalataya ay masandig sa kapangyarihan ng Diyos at hindi sa karunungan ng tao. Gayunpaman, sa mga taong matatag na sa buhay espirituwal ay nangangaral kami ng salita ng karunungan, hindi karunungan ng mundong ito, o ng mga tagapamahala sa mundong ito na ang kapangyarihan ay lilipas. Subalit ang ipinapahayag namin ay ang lihim na karunungan ng Diyos na hindi nahayag noong una, na itinalaga na niya para sa ating ikaluluwalhati bago pa likhain ang sanlibutan. Walang isa man sa mga tagapamahala sa daigdig na ito ang nakaunawa sa karunungang iyon, sapagkat kung naunawaan nila iyon, hindi sana nila ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian. Subalit tulad ng nasusulat, “Hindi pa nakikita ng mata, o naririnig ng tainga, ni hindi pa sumasagi sa isip ng tao ang mga inihanda ng Diyos para sa mga umiibig sa kanya.” Ngunit ito'y inihayag na ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng Espiritu. Sinasaliksik ng Espiritu ang lahat ng bagay, maging ang mga pinakamalalim na bagay na may kinalaman sa Diyos. Walang nakakaalam sa iniisip ng isang tao maliban sa kanyang sariling espiritu. Gayundin naman, walang nakakaalam sa mga iniisip ng Diyos maliban sa Espiritu ng Diyos. Ang tinanggap natin ay hindi ang espiritu ng sanlibutan kundi ang Espiritu na mula sa Diyos upang maunawaan natin ang mga kaloob niya sa atin. Kaya nga, kami ay nangangaral hindi sa pamamagitan ng karunungan ng tao kundi sa pamamagitan ng Espiritu. Ang ipinapaliwanag namin ay mga katotohanang espirituwal para sa mga nagtataglay ng Espiritu. Sapagkat ang taong hindi nagtataglay ng Espiritu ay hindi kayang tumanggap ng mga kaloob mula sa Espiritu ng Diyos. Para sa kanila, kahangalan ang mga iyon at di nila nauunawaan, sapagkat ang mga bagay na espirituwal ay mauunawaan lamang sa paraang espirituwal. Nauunawaan ng taong nagtataglay ng Espiritu ang kahalagahan ng lahat ng bagay, ngunit hindi siya nauunawaan ng taong hindi nagtataglay ng Espiritu. “Sino ang nakakaalam ng pag-iisip ng Panginoon? Sino ang makapagpapayo sa kanya?” Ngunit nasa atin ang pag-iisip ni Cristo. Mga kapatid, hindi ko kayo makausap bilang mga taong nagtataglay ng Espiritu. Kailangang kausapin ko kayo bilang mga taong namumuhay pa ayon sa laman at mga sanggol pa sa pananampalataya kay Cristo. Gatas ang ibinigay ko sa inyo noon at hindi matigas na pagkain, sapagkat hindi ninyo kaya iyon. Subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin ninyo kaya, sapagkat nananaig pa sa inyo ang laman. Ang inyong pag-iinggitan at pag-aaway-away ay palatandaan na makasanlibutan pa kayo at namumuhay ayon sa laman. Kapag sinasabi ng isa, “Ako'y kay Pablo,” at ng iba, “Ako'y kay Apolos,” hindi ba't palatandaan iyan na kayo'y namumuhay pa ayon sa laman? Sino ba si Apolos at sino si Pablo? Kami'y mga lingkod lamang ng Diyos na kinasangkapan niya upang akayin kayo sa pananampalataya kay Cristo. Ginawa lamang ng bawat isa sa amin ang tungkuling ibinigay ng Panginoon. Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, subalit ang Diyos ang nagpatubo at nagpalago. Hindi ang nagtatanim o nagdidilig ang mahalaga kundi ang Diyos, sapagkat siya ang nagpapatubo at nagpapalago. Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay parehong manggagawa lamang, at bawat isa'y tatanggap ng gantimpala ayon sa kanyang pagsisikap. Kami'y kapwa manggagawa ng Diyos at kayo ang kanyang bukirin. Kayo rin ay gusali ng Diyos. Ayon sa kagandahang-loob ng Diyos sa akin, inilagay ko ang pundasyon, tulad ng isang mahusay na tagapagtayo. Iba naman ang nagpapatuloy sa pagtatayo ng gusali. Ngunit dapat maging maingat ang bawat nagtatayo, sapagkat wala nang ibang pundasyong maaaring ilagay maliban sa nailagay na, walang iba kundi si Jesu-Cristo. May nagtatayo na gumagamit ng ginto, pilak, o mahahalagang bato; mayroon namang gumagamit ng kahoy, damo, o dayami. Makikilala ang uri ng gawa ng bawat isa sa Araw ng Paghuhukom sapagkat mahahayag sa pamamagitan ng apoy kung anong uri ang ginawa ng bawat isa. Kung ang itinayo sa ibabaw ng pundasyon ay hindi masunog, tatanggap ng gantimpala ang nagtayo noon. Ngunit kung masunog naman, mawawalan siya ng gantimpala. Gayunman, maliligtas siya, kaya lang ay para siyang nagdaan sa apoy. Hindi ba ninyo alam na kayo'y templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kanyang Espiritu? Paparusahan ng Diyos ang sinumang magwasak ng templo niya. Sapagkat banal ang templo ng Diyos, at kayo ang templong iyan. Huwag dayain ninuman ang kanyang sarili. Kung may nag-aakalang siya'y matalino ayon sa sanlibutang ito, aminin niyang siya'y mangmang upang maging tunay na marunong. Sapagkat ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa paningin ng Diyos. Gaya ng nasusulat, “Ginagamit niya ang katusuhan ng mga marurunong para mabitag sila.” Gayundin, “Batid ng Panginoon na ang iniisip ng marurunong ay walang kabuluhan.” Kaya't huwag ipagmalaki ninuman na siya'y tagasunod ng sinuman, sapagkat ang lahat ay para sa inyo: si Pablo, si Apolos, at si Pedro, ang sanlibutang ito, ang buhay, ang kamatayan, ang kasalukuyan, at ang hinaharap; lahat ng ito'y para sa inyo. At kayo'y para kay Cristo, at si Cristo nama'y para sa Diyos. Dapat ninyong kilalanin na kami'y mga lingkod ni Cristo at katiwala ng mga hiwaga ng Diyos. Ang katiwala'y kailangang maging tapat sa kanyang panginoon. Walang anuman sa akin kung ako'y hatulan ninyo, o ng alinmang hukuman ng tao; ako man ay hindi humahatol sa aking sarili. Malinis ang aking budhi, subalit hindi iyon katibayan na ako'y walang kasalanan. Ang Panginoon ang humahatol sa akin. Kaya't huwag kayong humatol nang wala pa sa panahon; maghintay kayo sa pagdating ng Panginoon. Siya ang maglalantad ng mga bagay na ngayo'y natatago sa kadiliman at maghahayag ng mga lihim na hangarin ng bawat isa. Sa panahong iyon, bawat isa'y bibigyan ng Diyos ng angkop na parangal. Mga kapatid, kami ni Apolos ang ginamit kong halimbawa para sa inyong kapakinabangan, upang matutuhan ninyo ang kahulugan ng kasabihang, “Huwag lalampas sa nasusulat.” Huwag ninyong ipagmalaki ang isang tao upang hamakin ang iba. Paano kayo nakakahigit sa iba? Hindi ba't lahat ng nasa inyo'y ibinigay lamang sa inyo ng Diyos? Kung gayon, bakit ninyo ipinagyayabang iyon na parang hindi kaloob sa inyo? Kayo pala'y nasisiyahan na! Mayayaman na pala kayo! Kayo pala'y mga hari na, at kami'y hindi. Sana nga'y naging hari na kayo upang kami man ay maghari ding kasama ninyo. Sa palagay ko, kaming mga apostol ang ginawa ng Diyos na pinakahamak sa lahat ng tao. Ang katulad namin ay mga taong nahatulan ng kamatayan; isang panoorin para sa sanlibutan, ng mga anghel at ng mga tao. Kami'y mga hangal alang-alang kay Cristo; kayo nama'y marurunong dahil kay Cristo! Mahihina kami; kayo nama'y malalakas. Hinahamak kami; kayo nama'y pinaparangalan! Hanggang sa oras na ito, kami'y nagugutom, nauuhaw, at halos hubad; kami'y pinapahirapan at walang matirhan. Nagpapakahirap kami at nagbabanat ng buto para kumita ng ikabubuhay. Idinadalangin namin ang mga lumalait sa amin; kapag kami'y inuusig, nagtitiis kami. Kapag kami'y sinisiraan, mahinahon kaming sumasagot. Hanggang ngayon, kami'y parang maruming basahan, pinakahamak sa lahat ng tao sa mundo. Ito'y isinusulat ko, hindi upang hiyain kayo, kundi upang pangaralan bilang minamahal kong mga anak. Kahit magkaroon pa kayo ng napakaraming tagapagturo sa pamumuhay Cristiano, iisa lamang ang inyong ama. Sapagkat kayo'y naging mga anak ko sa pananampalataya kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo. Kaya't isinasamo ko sa inyo, tularan ninyo ako. Dahil dito, pinapunta ko riyan si Timoteo, ang aking minamahal at tapat na anak sa Panginoon. Ipapaalala niya sa inyo ang mga patakaran ko sa buhay sa pagsunod kay Cristo Jesus. Ang mga patakaran ding iyon ang itinuturo ko sa bawat iglesya sa lahat ng dako. Nagmamalaki ang ilan sa inyo dahil ang akala nila'y hindi na ako pupunta riyan. Ngunit kung loloobin ng Panginoon, ako'y pupunta riyan sa lalong madaling panahon. Titingnan ko kung anong kapangyarihan ang ipinagmamalaki ng mga iyan, at hindi lamang ang kanilang sinasabi. Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay hindi sa salita, kundi sa kapangyarihan. Alin ang gusto ninyo? Dumating ako riyan na may dalang pamalo, o mayroong diwa ng pag-ibig at kahinahunan? Nakarating nga sa akin ang balitang mayroong kabilang sa inyo na gumagawa ng imoralidad; kinakasama niya ang asawa ng kanyang ama. Kahit mga pagano ay hindi gumagawa ng ganyang kahalayan! At nakukuha pa ninyong magmalaki! Dapat sana'y mahiya kayo at malungkot, at ang taong gumagawa ng ganoon ay dapat ninyong itiwalag! Kahit wala ako riyan sa katawan, nariyan naman ako sa espiritu, kaya't parang nariyan na rin ako. Ang gumagawa niyan ay hinatulan ko na sa pangalan ng ating Panginoong Jesus. Kapag kayo'y nagtipun-tipon, at ang espiritu ko ay nariyan, sa kapangyarihan ng ating Panginoong Jesus, ibigay ninyo kay Satanas ang taong iyan upang masira man ang kanyang katawan, maliligtas naman ang kanyang espiritu sa araw ng Panginoon. Hindi kayo dapat magmalaki. Hindi ba ninyo alam ang kasabihang, “Napapaalsa ng kaunting pampaalsa ang buong masa”? Alisin ninyo ang lumang pampaalsa, ang kasalanan, upang kayo'y maging malinis. Sa gayon, matutulad kayo sa isang bagong masa na walang pampaalsa, at talaga namang ganyan kayo. Sapagkat naihandog na ang ating Korderong Pampaskwa na walang iba kundi si Cristo. Kaya't ipagdiwang natin ang Paskwa, hindi sa pamamagitan ng tinapay na may lumang pampaalsa na kasamaan at kahalayan, subalit sa pamamagitan ng tinapay na walang pampaalsa, ang tinapay ng kalinisan at katapatan. Sinabi ko sa aking sulat na huwag kayong makikisama sa mga nakikiapid. Hindi ang mga di-mananampalatayang nakikiapid, sakim, magnanakaw, o sumasamba sa diyus-diyosan ang tinutukoy ko, sapagkat kinakailangan ninyong umalis sa mundong ito para sila'y maiwasan. Ang tinutukoy ko na huwag ninyong papakisamahan ay ang nagsasabing sila'y Cristiano ngunit nakikiapid, sakim, sumasamba sa diyus-diyosan, nanlalait, naglalasing, at nagnanakaw. Ni huwag kayong makikisalo sa ganyang uri ng tao. Kung may reklamo ang sinuman sa inyo laban sa kanyang kapatid sa pananampalataya, bakit siya nagsasakdal sa mga hukom na di-mananampalataya, sa halip na ipaubaya sa mga hinirang ng Diyos ang pag-aayos ng usapin nila? Hindi ba ninyo alam na ang mga hinirang ng Diyos ang hahatol sa sanlibutan? Kung kayo ang hahatol sa sanlibutan, hindi ba ninyo kayang hatulan ang ganyang kaliit na bagay? Hindi ba ninyo alam na hahatulan natin ang mga anghel? Gaano na lang ang mga bagay na may kinalaman sa buhay na ito! Kung may mga usapin kayo, bakit ninyo ito idinudulog sa mga taong hindi kinikilala ng iglesya? Dapat kayong mahiya! Wala bang isa man lang sa inyo na marunong mag-ayos ng awayan ng magkakapatid? Bakit nagsasakdal kayo sa hukuman, kapatid laban sa kapatid, at sa harap pa naman ng mga di-mananampalataya? Ang pagkakaroon ninyo ng usapin laban sa isa't isa ay isa nang kabiguan sa inyo. Bakit hindi na lang ninyo hayaang gawan kayo ng masama? Bakit hindi na lamang ninyo hayaang madaya kayo? Subalit kayo mismo ang gumagawa ng masama at nandaraya, kahit na sa mga sarili ninyong mga kapatid sa pananampalataya. Hindi ba ninyo alam na ang mga makasalanan ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos? Huwag ninyong dayain ang inyong sarili! Ang mga nakikiapid, sumasamba sa diyus-diyosan, nangangalunya, nakikipagtalik sa kapwa lalaki o kapwa babae, nagnanakaw, sakim, naglalasing, nanlalait ng kapwa, o nandaraya, ay walang bahagi sa kaharian ng Diyos. Ganyan ang ilan sa inyo noon. Subalit nilinis na kayo sa inyong mga kasalanan at ginawa na kayong banal ng Diyos. Pinawalang-sala na kayo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos. May magsasabi, “Malaya akong makagagawa ng kahit ano,” ngunit ang sagot ko naman ay “Hindi lahat ng bagay ay nakakabuti.” Maaari ko ring sabihin, “Malaya akong gumawa ng kahit ano,” ngunit hindi ako magpapaalipin sa anumang bagay. Sasabihin naman ng iba, “Ang pagkain ay para sa tiyan at ang tiyan ay para sa pagkain.” Totoo iyan, ngunit parehong sisirain ng Diyos ang mga ito. Ang katawan ay hindi para sa imoralidad sapagkat ito'y para sa paglilingkod sa Panginoon, at ang Panginoon naman ang nag-aalaga sa katawan. Muling binuhay ng Diyos si Jesu-Cristo, at tayo man ay muling bubuhayin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Hindi ba ninyo alam na ang inyong mga katawan ay mga bahagi ng katawan ni Cristo? Kukunin ko ba ang bahagi ng katawan ni Cristo upang gawing bahagi ng katawan ng isang babaing nagbebenta ng aliw? Hinding-hindi! Hindi ba ninyo alam na nagiging isa ang katawan ng bayarang babae at ng nakikipagtalik sa kanya? Sapagkat sinasabi sa kasulatan, “Ang dalawa'y magiging isa.” Ang nakikipag-isa sa Panginoon ay nakikipag-isa sa kanya sa espiritu. Iwasan ninyo ang imoralidad. Ang ibang kasalanang nagagawa ng tao ay hindi nakakasira sa katawan, ngunit ang gumagawa ng imoralidad ay nagkakasala laban sa sarili niyang katawan. Hindi ba ninyo alam na ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo na nasa inyo at ipinagkaloob ng Diyos sa inyo? Hindi ninyo pag-aari ang inyong katawan; sapagkat binili na kayo sa isang halaga. Kaya't gamitin ninyo ang inyong katawan upang maparangalan ang Diyos. Tungkol naman sa inyong sulat, ganito ang masasabi ko: Mabuti sa isang tao na huwag makipagtalik. Ngunit dahil sa lumalaganap na pakikiapid, bawat lalaki o babae ay dapat magkaroon ng sariling asawa. Dapat tuparin ng lalaki ang tungkulin niya sa kanyang asawa, at gayundin naman ang babae. Sapagkat hindi na ang babae ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa. Gayundin naman, hindi na ang lalaki ang may karapatan sa sarili niyang katawan kundi ang kanyang asawa. Huwag ninyong ipagkait ang inyong sarili sa isa't isa, maliban na lamang kung napagkasunduan ninyong huwag munang magsiping sa maikling panahon upang maiukol ninyo ang inyong mga sarili sa pananalangin. Ngunit pagkatapos, muli kayong magsiping upang hindi kayo matukso ni Satanas dahil sa hindi na kayo makapagpigil. Ang sinabi ko'y hindi utos kundi pag-unawa sa inyong kalagayan. Nais ko sanang ang bawat isa ay makatulad ko. Ngunit ang bawat tao'y may kanya-kanyang kaloob mula sa Diyos at ang mga ito'y hindi pare-pareho. Ito naman ang masasabi ko sa mga walang asawa at sa mga biyuda: mabuti pa sa kanila ang manatiling katulad ko na walang asawa. Ngunit kung hindi sila makapagpigil sa sarili, mag-asawa na lang sila; mas mabuting mag-asawa kaysa hindi makapagpigil sa matinding pagnanasa. Sa mga may asawa, ito ang iniuutos ng Panginoon, hindi ako: huwag makipaghiwalay ang babae sa kanyang asawa. Ngunit kung siya'y hihiwalay, manatili siyang walang asawa, o kaya'y muling makipagkasundo sa kanyang asawa. At huwag din namang hihiwalayan ng lalaki ang kanyang asawa. Sa iba naman, ito ang sinasabi ko, ako ang nagsasabi at hindi ang Panginoon: kung ang isang lalaking mananampalataya ay may asawang di-mananampalataya at nais nitong patuloy na makisama sa kanya, huwag niya itong hiwalayan. Kung ang isang babaing sumasampalataya ay may asawang hindi sumasampalataya at nais ng lalaking magpatuloy ng pakikisama sa kanya, huwag siyang makipaghiwalay. Sapagkat ang lalaking hindi pa sumasampalataya ay itinatalaga sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang asawa, at ang babaing hindi pa sumasampalataya ay itinatalaga sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang asawa. Kung hindi gayon ay magiging marumi sa paningin ng Diyos ang kanilang mga anak; ngunit ang totoo, ang mga ito ay itinatalaga sa Diyos. Kung nais namang humiwalay ng asawang di-mananampalataya sa kanyang asawang sumasampalataya, hayaan ninyo siyang humiwalay. Sa gayong mga pagkakataon, ang naturang kapatid ay malaya. Tinawag kayo ng Diyos upang mamuhay nang mapayapa. Anong malay ninyo, mga babae, baka kayo ang maging kasangkapan sa ikaliligtas ng inyong asawa? At kayong mga lalaki, anong malay ninyo, baka kayo ang maging kasangkapan sa ikaliligtas ng inyong asawa? Mamuhay ang bawat isa ayon sa ipinagkaloob sa kanya ng Panginoon, at magpatuloy sa dati niyang kalagayan noong siya'y tawagin ng Diyos. Ito ang itinuturo ko sa lahat ng iglesya. Kung ang isang lalaki ay tuli na nang siya'y tawagin ng Diyos, huwag na niyang alisin ang mga palatandaan ng kanyang pagiging tuli. At kung hindi naman siya tuli nang tawagin, huwag na siyang mag-asam na magpatuli pa. Hindi mahalaga kung ang isang tao ay tuli o hindi; subalit ang mahalaga ay ang pagsunod sa mga utos ng Diyos. Manatili ang bawat isa sa kalagayan niya nang siya'y tawagin ng Diyos. Ikaw ba'y isang alipin nang tawagin ka ng Diyos? Huwag kang mag-alala tungkol doon. Ngunit kung may pagkakataon kang maging isang malaya, samantalahin mo. Ang taong alipin nang tawagin ng Panginoon ay malaya na dahil sa Panginoon. Gayundin naman, ang taong malaya nang siya'y tawagin ni Cristo ay naging alipin ni Cristo. Nabili na at bayád na kayo; huwag na kayong paalipin sa mga tao. Mga kapatid, anuman ang kalagayan ninyo sa buhay nang kayo'y tawagin, manatili kayo roong kasama ng Diyos. Tungkol naman sa mga walang asawa, wala akong maibibigay na utos mula sa Panginoon. Ngunit magbibigay ako ng aking opinyon bilang isang taong dahil sa habag ng Diyos ay mapagkakatiwalaan. Dahil sa matinding kahirapan sa kasalukuyan, inaakala kong mabuti pa sa isang tao ang manatili sa kanyang kalagayan. Ikaw ba'y isang lalaking may asawa na? Huwag kang makipaghiwalay. Wala ka pa bang asawa? Huwag mo nang hangaring magkaasawa. Ngunit kung ikaw ay mag-aasawa, hindi ka nagkakasala. Kung ang isang dalaga ay mag-asawa, hindi rin siya nagkakasala. Ngunit ang nag-aasawa ay magdaranas ng mga kahirapan sa buhay na ito, at iyan ang nais kong maiwasan ninyo. Mga kapatid, ito ang ibig kong sabihin: malapit na ang wakas ng panahon, kaya't mula ngayon, ang may asawa ay mamuhay na parang walang asawa; ang mga nananangis, na parang di nananangis; ang mga nagagalak, na parang di nagagalak; ang mga bumibili, na parang walang ari-arian, at ang mga gumagamit ng mga bagay ng sanlibutan, na para bang hindi nangangailangang gamitin ang mga ito. Sapagkat ang lahat ng bagay sa daigdig na ito'y hindi na magtatagal. Nais kong mailayo kayo sa mga alalahanin sa buhay. Ang pinagkakaabalahan ng lalaking walang asawa ay ang mga gawaing ukol sa Panginoon—kung paano niya mabibigyan ng kaluguran ang Panginoon. Ngunit ang pinagkakaabalahan ng lalaking may asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito—kung paano niya mabibigyang kaluguran ang kanyang asawa. Dahil dito'y hati ang kanyang malasakit. Gayundin naman, ang pinagkakaabalahan ng isang babaing walang asawa o ng isang dalaga ay ang mga bagay ukol sa Panginoon, sapagkat nais niyang maitalaga ang kanyang katawan at espiritu sa Panginoon. Subalit ang pinagkakaabalahan ng babaing may-asawa ay ang mga bagay ng sanlibutang ito—kung paano niya mabibigyang kaluguran ang kanyang asawa. Sinasabi ko ito upang matulungan kayo. Hindi ko kayo hinihigpitan; ang nais ko'y maakay kayo sa maayos na pamumuhay at nang lubusan kayong makapaglingkod sa Panginoon. Kung inaakala ng isang lalaki na nagkakaroon siya ng masidhing pagnanasa sa kanyang katipan, at dahil dito'y kailangang pakasal sila, pakasal na sila. Ito ay hindi kasalanan. Ngunit kung ipinasya niyang huwag pakasalan ang kanyang kasintahan at hindi naman siya napipilitan lamang at siya'y may lubusang pagpipigil sa sarili, mabuti ang ganitong kapasyahan. Kaya nga, mabuti ang magpasyang pakasalan ang kanyang kasintahan, ngunit mas mabuti ang hindi mag-asawa. Ang babae ay nakatali sa kanyang asawa habang nabubuhay ito. Kapag namatay ang lalaki, ang babae ay malaya nang mag-asawa sa sinumang maibigan niya, ngunit dapat ay sa isa ring nananampalataya sa Panginoon. Subalit sa aking palagay, higit siyang magiging maligaya kung mananatili siya sa kanyang kalagayan bilang biyuda. Iyan ang palagay ko, at sa palagay ko nama'y nasa akin din ang Espiritu ng Diyos. Ngayon, ipaliliwanag ko naman sa inyo ang tungkol sa mga pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan. Alam nating “may kaalaman tayong lahat,” gaya ng sabi ng iba. Ang kaalamang ito ay nagtutulak sa tao na maging mapagmataas, subalit ang pag-ibig ay nakakapagpatatag. Ang nag-aakalang may nalalaman siya ay hindi pa nakakaalam ng dapat niyang malaman. Ngunit ang umiibig sa Diyos ay kilala ng Diyos. Kaya nga, tungkol sa pagkaing inihandog sa diyus-diyosan, alam nating ang mga diyus-diyosan ay larawan ng mga bagay na di-totoo, at alam nating iisa lamang ang Diyos. Kahit na may tinatawag na “mga diyos” sa langit at sa lupa, at ang mga tinatawag na “mga diyos” at “mga panginoon” ay marami, subalit para sa atin ay iisa lamang ang Diyos, ang Ama na lumikha ng lahat ng bagay, at tayo'y nabubuhay para sa kanya. Iisa ang Panginoon, si Jesu-Cristo, at sa pamamagitan niya'y nilikha ang lahat ng bagay, at sa pamamagitan din niya'y nabubuhay tayo. Subalit hindi lahat ay nakakaalam nito. May mga taong nasanay na sa pagsamba sa mga diyus-diyosan noong una, kaya't hanggang ngayon, kapag kumakain sila ng ganoong pagkain, inaakala pa rin nila na iyon ay handog sa diyus-diyosan. Dahil mahina ang kanilang budhi, ang akala nila'y nagkakasala sila kapag kumain sila niyon. Ang pagkain ay walang kinalaman sa katayuan natin sa harap ng Diyos. Walang mawawala sa atin kung hindi tayo kumain ng ganoong pagkain, at wala ring kabutihang maidudulot sa atin kung kumain man tayo niyan. Ngunit mag-ingat kayo, baka ang paggamit ninyo ng kalayaang kumain ng anumang pagkain ay maging sanhi ng pagkakasala ng mahihina sa kanyang paniniwala. Kung ikaw na may sapat na kaalaman ay kumakain sa loob ng templo ng mga diyus-diyosan, at makita ka ng kapatid na mahina ang budhi, hindi kaya siya mabuyong kumain niyon kahit inihandog sa diyus-diyosan? Dahil sa inaakala mong “kaalaman” ay napapahamak ang iyong mahinang kapatid na tinubos din ng kamatayan ni Cristo. Sa ganoong paraan, nagkakasala kayo sa inyong mga kapatid kaya't nagkakasala kayo kay Cristo dahil sinugatan ninyo ang kanilang budhi. Kaya nga, kung dahil sa pagkain ay itinutulak ko sa pagkakasala ang aking kapatid, hindi na ako kakain ng karne upang hindi siya magkasala. Hindi ba ako malaya? Hindi ba ako apostol? Hindi ba't nakita ko si Jesus na ating Panginoon? Hindi ba kayo ang bunga ng aking paglilingkod sa kanya? Ang iba'y ayaw kilalanin ang aking pagka-apostol, subalit para sa inyo, ako'y isang apostol, at kayo ang katibayang ako'y apostol nga ng Panginoon. Ito ang sagot ko sa mga pumupuna sa akin. Wala ba kaming karapatang tustusan ng iglesya sa aming pangangailangan? Wala ba kaming karapatang magsama ng asawang Cristiano, tulad ng ginagawa ng ibang mga apostol, at ng mga kapatid ng Panginoon, at gayundin ni Pedro? Kami lamang ba ni Bernabe ang walang karapatang tumigil sa paghahanapbuhay? Ang kawal ba ang gumagastos para sa kanyang pangangailangan habang naglilingkod siya? Sinong tao ang nagtatanim ng ubas at hindi nakikinabang sa mga bunga nito? Sinong pastol ang nag-aalaga ng tupa at hindi nakikinabang sa gatas nito? Ang sinasabi ko ay hindi nababatay sa kaisipan lamang ng tao. Ganoon din ang sinasabi ng Kautusan. Sapagkat nasusulat sa Kautusan ni Moises, “Huwag mong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik.” Mga baka nga kaya ang inaalala ng Diyos? Hindi ba tayo ang tinutukoy niya? Alang-alang sa atin kaya iyon isinulat, sapagkat ang magsasakang nag-aararo at ang naghihiwalay ng mga butil sa uhay ay gumagawa sa pag-asang may bahagi sila sa aanihin. Naghasik kami sa inyo ng pagpapalang espirituwal; malaking bagay ba naman kung umani kami ng mga materyal na pakinabang mula sa inyo? Kung ang iba'y may ganitong karapatan, lalo na kami! Ngunit hindi namin ginamit ang karapatang ito. Tiniis namin ang lahat upang hindi kami maging hadlang sa Magandang Balita tungkol kay Cristo. Hindi ba ninyo alam na ang mga naglilingkod sa Templo ay tumatanggap ng pagkain mula sa Templo, at ang mga naglilingkod sa dambana ay may bahagi sa mga handog na nasa dambana? Sa ganyan ding paraan, ipinag-utos ng Panginoon na ang mga nangangaral ng Magandang Balita ay dapat matustusan ang ikabubuhay sa pamamagitan ng Magandang Balita. Ngunit hindi ko ginamit ang alinman sa mga karapatang ito, at hindi ko kayo sinusulatan ngayon upang hingan ng tulong. Mas iibigin ko pang mamatay kaysa mawala sa akin ang bagay na maipagmamalaki ko! Hindi ngayo't nangangaral ako ng Magandang Balita ay maaari na akong magmalaki. Sapagkat iyan ay tungkuling iniatang sa akin, sumpain ako kung hindi ko ipangaral ang Magandang Balita! Kung ginagawa ko ito nang kusang-loob, ako'y may maaasahang kabayaran, ngunit ginagawa ko ito bilang pagtupad sa tungkuling ipinagkatiwala sa akin ng Diyos. Ano ngayon ang aking kabayaran? Ang maipangaral ko nang walang-bayad ang Magandang Balita, at ang hindi ko paggamit ng karapatang nauukol sa akin bilang tagapangaral. Malaya ako at di alipin ninuman; ngunit nagpaalipin ako sa lahat upang makahikayat ako ng mas marami sa Panginoon. Sa piling ng mga Judio, ako'y namuhay tulad ng isang Judio upang mahikayat ko sila. Kahit hindi ako saklaw ng Kautusan, nagpailalim ako rito alang-alang sa mga nasa ilalim ng Kautusan, upang mailapit ko sila sa Diyos. Sa piling naman ng mga Hentil, na hindi saklaw ng Kautusan, ako'y naging parang Hentil upang sila'y mahikayat ko rin. Subalit hindi ito nangangahulugang hindi ko sinusunod ang mga utos ng Diyos, sapagkat ako'y nasa ilalim ng kautusan ni Cristo. Sa piling ng mahihina, ako'y naging parang mahina rin upang mahikayat ko sila. Ako'y nakibagay sa lahat ng tao upang sa lahat ng paraan ay makapagligtas ako ng kahit ilan man lamang. Ginagawa ko ang lahat ng ito alang-alang sa Magandang Balita, upang makabahagi ako sa mga pagpapala nito. Alam ninyong ang mga kalahok sa paligsahan ay tumatakbong lahat, ngunit iisa lamang ang nagkakamit ng gantimpala! Kaya't pagbutihin ninyo ang pagtakbo upang kamtan ninyo ang gantimpala. Lahat ng manlalarong nagsasanay ay may disiplina sa lahat ng bagay upang magkamit ng isang gantimpalang panandalian lamang. Ngunit ang gantimpalang hinahangad natin ay panghabang panahon. Hindi ako tumatakbo nang walang patutunguhan at hindi ako sumusuntok sa hangin. Subalit pinahihirapan ko ang aking katawan at sinusupil ito, upang sa gayo'y hindi ako maalis sa paligsahan pagkatapos kong mangaral sa iba. Mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang nangyari sa ating mga ninuno noong panahon ni Moises. Silang lahat ay naliliman ng ulap sa kanilang paglalakbay at sa pagtawid sa Dagat na Pula. Sa gayon, nabautismuhan silang lahat sa ulap at sa dagat bilang mga tagasunod ni Moises. Kumain silang lahat ng iisang pagkaing espirituwal, at uminom din ng iisang inuming espirituwal, sapagkat uminom sila sa batong espirituwal na sumubaybay sa kanila, at ang batong iyon ay si Cristo. Gayunman, hindi kinalugdan ng Diyos ang marami sa kanila, kaya't nagkalat ang kanilang mga bangkay sa ilang. Ang lahat ng mga nangyaring iyon ay babala sa atin upang huwag tayong maghangad ng masasamang bagay, gaya ng ginawa nila. Huwag kayong sasamba sa mga diyus-diyosan, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila. Ayon sa nasusulat, “Umupo ang mga tao upang magkainan at mag-inuman, at tumayo upang magsayaw.” Huwag tayong makikiapid, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila, kaya't dalawampu't tatlong libong tao ang namatay sa loob lamang ng isang araw. Huwag nating susubukin si Cristo, gaya ng ginawa ng ilan sa kanila; dahil sa ginawa nila, pinuksa sila ng mga ahas. Huwag din tayong magreklamo, tulad ng ilan sa kanila, kaya't nilipol naman sila ng anghel na namumuksa. Nangyari iyon sa kanila bilang babala sa iba, at isinulat upang tayo namang nabubuhay ngayong mga huling araw ay maturuan. Kaya't mag-ingat ang sinumang nag-aakalang siya'y nakatayo, at baka siya mabuwal. Wala pang pagsubok na dumating sa inyo na hindi nararanasan ng ibang tao. Tapat ang Diyos, at hindi niya ipapahintulot na kayo'y subukin nang higit sa inyong makakaya. Sa halip, pagdating ng pagsubok, bibigyan niya kayo ng lakas upang makayanan ito at ng paraan upang malampasan ito. Kaya nga, mga minamahal, iwasan ninyo ang pagsamba sa mga diyus-diyosan. Kinakausap ko kayo bilang matatalinong tao; husgahan ninyo ang sinasabi ko. Hindi ba't ang pag-inom natin sa kopa ng pagpapala na ating ipinagpapasalamat ay pakikibahagi sa dugo ni Cristo? At ang pagkain natin ng tinapay na ating pinipira-piraso ay pakikibahagi naman sa kanyang katawan? Kaya nga, dahil iisa lamang ang tinapay, tayo'y iisang katawan kahit na tayo'y marami, sapagkat nagsasalu-salo tayo sa iisang tinapay. Tingnan ninyo ang bansang Israel. Hindi ba't ang mga kumakain ng mga handog ay nakikibahagi sa ginagawa sa dambana? Anong ibig kong sabihin? Sinasabi ko bang ang diyus-diyosan, o ang pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan ay may kabuluhan? Hindi! Ang ibig kong sabihin, ang mga pagano ay nag-aalay ng kanilang handog sa mga demonyo, at hindi sa Diyos. Ayaw kong maging kaisa kayo ng mga demonyo. Hindi kayo makakainom sa kopa ng Panginoon at gayundin sa kopa ng mga demonyo. Hindi kayo maaaring makisalo sa hapag ng Panginoon at makisalo rin sa hapag ng mga demonyo. Nais ba nating manibugho ang Panginoon? Akala ba ninyo'y mas makapangyarihan tayo kaysa sa kanya? Mayroon namang magsasabi, “Malaya akong gumawa ng anuman,” ngunit hindi lahat ng ito ay nakakabuti. “Malaya akong gumawa ng anuman,” ngunit hindi rin lahat ng ito'y nakakatulong. Huwag ang sariling kapakanan ang unahin ninyo, kundi ang sa iba. Kumain kayo ng anumang nabibili sa tindahan ng karne at huwag nang magtanong pa upang hindi mabagabag ang inyong budhi. Sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang buong daigdig at lahat ng naroroon, ang Panginoon ang may-ari niyon!” Kung anyayahan kayo ng isang hindi sumasampalataya at nais ninyong dumalo, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo at huwag na kayong magtanong pa kung iyon ay ikagugulo ng inyong budhi. Ngunit kung may magsabi sa inyo, “Ito'y inialay sa mga diyus-diyosan,” huwag ninyong kainin iyon alang-alang sa nagsabi sa inyo, upang di mabagabag ang budhi. Ang aking tinutukoy ay ang budhi ng inyong kapwa, at hindi ang budhi ninyo. Bakit hahadlangan ng budhi ng iba ang aking kalayaan? Bakit ako susumbatan dahil sa pagkain ko ng mga bagay na ipinagpasalamat ko naman sa Diyos? Kaya nga, kung kayo'y kumakain o umiinom, o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos. Huwag kayong maging sanhi ng pagkakasala ninuman, ng mga Judio, ng mga Hentil, o ng mga kaanib sa iglesya ng Diyos, sa halip, tularan ninyo ang ginagawa ko. Sinisikap kong mabigyang kasiyahan ang lahat ng tao sa bawat ginagawa ko. Hindi ko inuuna ang sarili kong kapakanan kundi ang kapakanan ng marami, upang maligtas sila. Tularan ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo. Pinupuri ko kayo dahil naaalala ninyo ako at sinusunod ninyo ang mga turo na ibinigay ko sa inyo. Ngunit nais kong maunawaan ninyo na si Cristo ang ulo ng bawat lalaki, ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, at ang Diyos naman ang ulo ni Cristo. Ang lalaking nananalangin o nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos nang may takip ang ulo ay nagdudulot ng kahihiyan sa kanyang ulo. Ang babae namang nananalangin o nagpapahayag ng mensaheng mula sa Diyos nang walang talukbong ang ulo ay nagdudulot ng kahihiyan sa kanyang ulo, para na rin siyang babaing inahitan ang ulo. Kung ayaw magtalukbong ng ulo ang isang babae, magpagupit na rin siya ng buhok. Yamang kahiya-hiya sa babae ang magpaahit o magpagupit ng buhok, dapat siyang magtalukbong. Hindi dapat magtalukbong ng ulo ang lalaki dahil siya'y larawan at karangalan ng Diyos. Ngunit ang babae ay karangalan ng lalaki, sapagkat hindi mula sa babae ang lalaki, kundi ang babae ay nagmula sa lalaki. At hindi rin nilalang ang lalaki para sa babae, kundi ang babae ay nilalang para sa lalaki. Alang-alang sa mga anghel, dapat magtalukbong ng ulo ang babae bilang tanda na siya'y nasasakop ng kanyang asawa. Gayunman, sa ating buhay sa Panginoon ay kailangan ng babae ang lalaki at kailangan din naman ng lalaki ang babae. Nagmula man sa lalaki ang babae, ang lalaki nama'y isinisilang ng babae, at mula sa Diyos ang lahat. Kayo na ang humatol, angkop ba sa isang babae ang makitang nananalangin nang walang talukbong sa ulo? Hindi ba't kalikasan na rin ang nagtuturo sa inyo na kahiya-hiya sa isang lalaki ang magpahaba ng buhok, ngunit karangalan naman ito ng babae? Sapagkat ibinigay sa kanya ang buhok bilang pantakip sa kanyang ulo. Ngunit kung may gusto pang makipagtalo tungkol dito, ang masasabi ko ay ito: sa pagsamba, wala kaming ibang kaugalian, gayundin ang mga iglesya ng Diyos. Tungkol sa mga babanggitin ko ngayon, hindi ko kayo maaaring purihin dahil ang inyong pagtitipon ay hindi nakakabuti, subalit nakakasama. Una sa lahat, nabalitaan ko na kayo'y nagpapangkat-pangkat sa inyong pagtitipon, at ako'y naniniwalang may katotohanan iyan. Talaga namang magkakaroon ng pagkakabaha-bahagi sa inyo upang makilala kung sino sa inyo ang mga tapat. Kaya't sa inyong pagtitipon, hindi Banal na Hapunan ng Panginoon ang kinakain ninyo. Sapagkat ang bawat isa sa inyo'y nagmamadali sa pagkain ng kanyang sariling pagkain, kaya't nagugutom ang iba at ang iba nama'y nalalasing. Wala ba kayong sariling bahay upang doon kumain at uminom? Hindi ba ninyo pinapahalagahan ang iglesya ng Diyos at hinihiya ninyo ang mahihirap? Ano ang gagawin ko ngayon? Pupurihin ko ba kayo dahil sa bagay na iyon? Hinding-hindi ko gagawin iyon! Sapagkat ito ang turo na tinanggap ko mula sa Panginoon at ibinigay ko naman sa inyo: noong gabing siya'y ipagkanulo, ang Panginoong Jesus ay dumampot ng tinapay, nagpasalamat at pinagpira-piraso iyon, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito bilang pag-aalaala sa akin.” Matapos maghapunan, dumampot din siya ng kopa at sinabi, “Ang kopang ito ang bagong tipan na pinagtitibay ng aking dugo. Tuwing iinumin ninyo ito, gawin ninyo bilang pag-aalaala sa akin.” Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kopang ito, ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon hanggang sa kanyang muling pagparito. Kaya, ang sinumang kumakain ng tinapay at umiinom sa kopa ng Panginoon sa paraang di nararapat ay nagkakasala sa katawan at dugo ng Panginoon. Kaya't dapat siyasatin ng tao ang kanyang sarili bago siya kumain ng tinapay at uminom sa kopa. Sapagkat ang sinumang kumakain at umiinom nang hindi kinikilala ang kahalagahan ng katawan ng Panginoon ay kumakain at umiinom ng kahatulan laban sa kanyang sarili. Iyan ang dahilan kung bakit mahihina at sakitin ang marami sa inyo, at may ilan ngang namatay na. Kung sisiyasatin natin ang ating sarili, hindi tayo hahatulan ng Panginoon. Ngunit hinahatulan tayo ng Panginoon dahil itinutuwid niya tayo, upang hindi tayo maparusahang kasama ng sanlibutan. Kaya nga, mga kapatid, kapag nagkakatipon kayo upang kumain, maghintayan kayo. Kung may nagugutom, kumain na muna siya sa bahay upang hindi humantong sa hatol na kaparusahan ang inyong pagtitipon. Tungkol naman sa ibang mga bagay, saka ko na aayusin pagdating ko riyan. Mga kapatid, ngayon, tungkol naman sa mga kaloob ng Espiritu Santo, nais kong magkaroon kayo ng wastong kaalaman. Alam ninyo na noong hindi pa kayo sumasampalataya, kayo'y nailigaw sa mga diyus-diyosan na hindi naman nakakapagsalita. Kaya't nais kong malaman ninyo na walang taong pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ang magsasabing, “Sumpain si Jesus!” At hindi rin masasabi ninuman, “Si Jesus ay Panginoon,” kung siya'y hindi pinapatnubayan ng Espiritu Santo. Iba't iba ang mga espirituwal na kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito. Iba't iba ang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lamang ang Panginoong pinaglilingkuran. Iba't iba ang mga gawain, ngunit iisa lamang ang Diyos na kumikilos sa mga taong gumagawa ng mga iyon. Para sa ikabubuti ng lahat, ang bawat isa'y binibigyan ng patunay na nagpapakitang nasa kanya ang Espiritu. Ang ilan sa atin ay napagkalooban ng kakayahang magsalita ng mensahe ng karunungan. Ang iba naman ay pinagkalooban ng kaalaman. Subalit iisang Espiritu ang nagkakaloob nito. Ang Espiritu ring iyon ang nagkakaloob sa iba ng pananampalataya sa Diyos, at sa iba'y ang kapangyarihang magpagaling sa mga maysakit. May pinagkakalooban ng kapangyarihang gumawa ng mga himala; sa iba naman ay kakayahang magpahayag ng mensaheng mula sa Diyos, at sa iba ay kakayahang kumilala kung aling kaloob ang mula sa Espiritu at kung alin ang hindi. May pinagkakalooban ng kakayahang magsalita sa iba't ibang mga wika, at sa iba naman ay ang magpaliwanag ng mga wikang iyon. Ngunit isang Espiritu lamang ang gumagawa ng lahat ng ito at namamahagi ng iba't ibang kaloob sa bawat isa, ayon sa kanyang ipinasya. Si Cristo'y tulad ng isang katawan na may maraming bahagi. Kahit na binubuo ng iba't ibang bahagi, ito ay nananatiling iisang katawan. Maging Judio o Hentil, alipin man o malaya, tayong lahat ay binautismuhan sa pamamagitan ng iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa iisang Espiritu. Ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at hindi ng iisang bahagi lamang. Kung sasabihin ng paa, “Hindi ako kamay kaya't hindi ako bahagi ng katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? Kung sasabihin ng tainga, “Hindi ako mata, kaya't hindi ako bahagi ng katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? Kung puro mata lamang ang buong katawan, paano ito makakarinig? Kung puro tainga lamang ang buong katawan, paano ito makakaamoy? Subalit inilagay ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan ayon sa kanyang kalooban. Kung ang lahat ng bahagi ay pare-pareho, hindi iyan maituturing na katawan. Ngunit ang totoo'y marami ang mga bahagi, ngunit iisa lamang ang katawan. Hindi rin naman masasabi ng mata sa kamay, “Hindi kita kailangan,” ni ng ulo, sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.” Sa katunayan, ang mga bahaging parang mahihina ang siya pa ngang kailangang kailangan. Ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating hindi gaanong kapuri-puri ay pinag-uukulan ng higit na pagpapahalaga. Ang mga bahaging hindi likas na maganda ang siya nating higit na pinapahalagahan. Hindi na ito kailangang gawin sa mga bahaging sadyang maganda. Ngunit nang isaayos ng Diyos ang katawan, binigyan niya ng higit na karangalan ang mga bahaging hindi gaanong marangal, upang hindi magkaroon ng pagkakabaha-bahagi, sa halip ay magmalasakit ang bawat bahagi sa isa't isa. Kung nasasaktan ang isang bahagi, nasasaktan ang lahat; kung pinaparangalan ang isang bahagi, nagagalak ang lahat. Kayo ngang lahat ang iisang katawan ni Cristo, at bawat isa sa inyo ay bahagi nito. Naglagay ang Diyos sa iglesya, una, ng mga apostol; ikalawa, ng mga propeta; at ikatlo, ng mga guro. Naglagay rin siya ng mga gumagawa ng mga himala, mga nagpapagaling ng mga maysakit, mga tagatulong, mga tagapangasiwa, at mga nagsasalita sa iba't ibang mga wika. Hindi lahat ay apostol, propeta o guro; hindi lahat ay binigyan ng kakayahang gumawa ng mga himala, magpagaling ng mga maysakit, magsalita sa iba't ibang mga wika o magpaliwanag ng mga wikang ito. Ngunit buong sikap ninyong hangarín ang mga kaloob na mas dakila. At ngayo'y ituturo ko sa inyo ang landas na pinakamabuti sa lahat. Makapagsalita man ako sa mga wika ng mga tao at ng mga anghel, kung wala naman akong pag-ibig, para lamang akong kampanang umaalingawngaw o pompiyang na maingay. Kung ako man ay may kakayahang magsalita ng mensahe mula sa Diyos at umunawa sa lahat ng hiwaga, kung nasa akin man ang lahat ng kaalaman at lahat ng pananampalataya, anupa't nakakapagpalipat ako ng mga bundok, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan. At kung ipamigay ko man ang lahat ng aking mga ari-arian at ialay ang aking katawan upang sunugin, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala rin akong mapapala! Ang pag-ibig ay matiyaga at magandang-loob, hindi maiinggitin, hindi mayabang ni mapagmataas man, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim ng sama ng loob sa kapwa. Hindi ito natutuwa sa masama, sa halip ay nagagalak sa katotohanan. Ang pag-ibig ay matiisin, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at nagtitiyaga hanggang wakas. Matatapos ang kakayahang magsalita ng mensahe mula sa Diyos, titigil rin ang kakayahang magsalita sa iba't ibang mga wika, at lilipas ang kaalaman, ngunit ang pag-ibig ay walang katapusan. Hindi pa ganap ang ating kaalaman at hindi rin ganap ang kakayahan nating magsalita ng mensahe mula sa Diyos, ngunit pagdating ng ganap, maglalaho na ang di-ganap. Noong ako'y bata pa, ako'y nagsasalita, nag-iisip at nangangatuwirang tulad ng bata. Ngayong ako'y mayroon nang sapat na gulang, iniwanan ko na ang mga asal ng bata. Sa kasalukuyan ang ating nakikita ay tila malabong larawan sa salamin, subalit darating ang araw na ang lahat ay makikita natin nang harapan. Bahagya lamang ang nalalaman ko ngayon, ngunit darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng lubos na pagkakilala niya sa akin. Samantala, nananatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig. Pakamithiin ninyo ang pag-ibig! Hangarín ninyo ang mga kaloob na espirituwal, lalung-lalo na ang makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos. Ang nagsasalita sa iba't ibang wika ay sa Diyos nakikipag-usap at hindi sa tao, sapagkat walang nakakaunawa sa kanya, ngunit nagsasalita siya ng mga hiwaga sa tulong ng Espiritu Santo. Sa kabilang dako, ang nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos ay nagsasalita sa mga tao upang patibayin ang kanilang pananampalataya, palakasin ang kanilang loob, at sila'y aliwin. Ang sariling pananampalataya ang pinapatibay ng nagsasalita ng iba't ibang wika, ngunit ang iglesya ang pinapatibay ng nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos. Nais ko sanang kayong lahat ay makapagsalita ng iba't ibang wika, ngunit mas gusto kong kayo'y makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos. Higit na mahalaga ang nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos kaysa nagsasalita sa iba't ibang mga wika, maliban na lamang kung may magpapaliwanag ng kanyang sinasabi upang makapagpatibay sa iglesya. Kaya, mga kapatid, kung pumunta man ako riyan at magsalita sa inyo sa iba't ibang mga wika, ano ang mapapakinabang ninyo sa akin? Wala! Makikinabang lamang kayo kung tuturuan ko kayo ng mga pahayag ng Diyos, ng kaalaman mula sa kanya, ng mga mensahe mula sa Diyos, at ng mga aral. Maging sa mga instrumentong walang buhay tulad ng plauta at alpa, paanong malalaman ninuman kung ano ang tinutugtog kung hindi malinaw ang tunog ng mga nota? At kung hindi malinaw ang tunog ng trumpeta, sino ang maghahanda sa pakikipaglaban? Gayundin naman, paanong malalaman ninuman ang ibig ninyong sabihin kung magsasalita kayo sa pamamagitan ng wikang hindi naman nila nauunawaan? Para kayong nakikipag-usap sa hangin. Maraming iba't ibang wika sa daigdig, at bawat isa ay may kahulugan, ngunit kung hindi ako marunong ng wikang ginagamit ng aking kausap, hindi kami magkakaintindihan. Yamang naghahangad kayo sa mga kaloob ng Espiritu, sikapin ninyong sumagana kayo sa mga kaloob na makakapagpatibay sa iglesya. Dahil dito, kailangang manalangin ang nagsasalita ng iba't ibang mga wika na bigyan din siya ng kaloob na makapagpaliwanag nito. Kung nananalangin ako sa wikang iyan, nananalangin nga ang aking espiritu ngunit hindi nakikinabang ang aking pag-iisip. Ano ang dapat kong gawin? Mananalangin ako sa pamamagitan ng aking espiritu, ngunit gagamitin ko rin ang aking pag-iisip sa aking pananalangin. Ako'y aawit sa pamamagitan ng espiritu, ngunit gagamitin ko rin ang aking pag-iisip sa aking pag-awit. Kung nagpapasalamat ka sa Diyos sa pamamagitan ng espiritu lamang, paanong makakapagsabi ng “Amen” ang isang taong naroroon ngunit walang gayong kaloob, kung hindi niya nauunawaan ang iyong sinasabi? Mabuti ang iyong pagpapasalamat, ngunit hindi nakakapagpatibay sa iba. Nagpapasalamat ako sa Diyos sapagkat ako'y nakapagsasalita sa iba't ibang mga wika, higit kaysa sa inyong lahat. Ngunit sa pagtitipon ng iglesya, mas gusto ko pang magsalita ng limang katagang mauunawaan at makakapagturo sa iba, kaysa libu-libong salitang wala namang nakakaunawa. Mga kapatid, huwag kayong maging isip-bata. Maging tulad kayo ng mga batang walang muwang sa kasamaan, ngunit maging tulad kayo ng matatanda sa inyong pang-unawa. Ganito ang nakasulat sa Kautusan: “Sinabi ng Panginoon, ‘Magsasalita ako sa bayang ito, sa pamamagitan ng mga taong may ibang wika, sa pamamagitan ng labi ng mga banyaga, ngunit hindi pa rin nila ako papakinggan.’” Kung gayon, ang kaloob na makapagsalita sa iba't ibang mga wika ay isang himala para sa mga hindi sumasampalataya at hindi para sa mga mananampalataya. Ngunit ang kaloob na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos ay himala para sa mga sumasampalataya at hindi sa mga di-mananampalataya. Kaya't kung sa pagtitipon ng iglesya ay nagsasalita ng iba't ibang mga wika ang lahat, at may dumating na mga taong walang gayong kaloob o hindi sumasampalataya, hindi kaya nila sasabihing nababaliw kayo? Ngunit kung ang lahat ay nagsasalita ng mensahe mula sa Diyos, at dumating doon ang isang taong walang gayong kaloob o hindi sumasampalataya, malalaman niyang siya'y makasalanan, hahatulan siya ng lahat ng kanyang naririnig, at mabubunyag ang mga lihim ng kanyang puso. Kaya't luluhod siya, sasamba sa Diyos, at sasabihin niyang tunay ngang kasama ninyo ang Diyos. Ganito ang ibig kong sabihin, mga kapatid. Kung sa inyong pagtitipon ay may umaawit, may nagtuturo, may naghahayag ng kalooban ng Diyos, may nagsasalita sa iba't ibang mga wika, at mayroon namang nagpapaliwanag noon, gawin ninyo ang lahat ng iyan sa ikapagpapatibay ng iglesya. Kung may magsasalita sa iba't ibang mga wika, sapat na ang dalawa o tatlo, salit-salitan sila, at kailangang may magpapaliwanag ng kanilang sinasabi. Ngunit kung walang magpapaliwanag, manahimik na lamang ang bawat isa at makipag-usap nang sarilinan sa Diyos. Hayaang magsalita ang dalawa o tatlong tao na tumanggap ng kaloob na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos, at timbangin naman ng iba ang mga sinasabi nila. At kung ang isa sa mga nakaupo roon ay tumanggap ng pahayag mula sa Diyos, tumigil muna ang nagsasalita. Sapagkat kayong lahat ay maaaring isa-isang magsalita ng mensahe mula sa Diyos, upang matuto at mapalakas ang loob ng lahat. Ang kaloob na pagsasalita ng mensahe mula sa Diyos ay dapat napipigil ng mga tumanggap ng kaloob na iyon, sapagkat ang Diyos ay hindi Diyos ng kaguluhan kundi ng kapayapaan. Gaya ng dapat mangyari sa lahat ng iglesya ng mga hinirang ng Diyos, ang mga babae ay kailangang manahimik sa mga pagtitipon sa iglesya. Sapagkat hindi ipinapahintulot sa kanila sa ganoong mga pagtitipon ang magsalita; kailangang sila'y pasakop, gaya ng sinasabi ng Kautusan. Kung mayroon silang nais malaman, magtanong sila sa kanilang asawa pagdating nila sa bahay; sapagkat kahiya-hiyang magsalita ang isang babae sa loob ng iglesya. Inaakala ba ninyong sa inyo nagmula ang salita ng Diyos, o kayo lamang ang tumanggap nito? Kung inaakala ninuman na siya'y propeta, o mayroong espirituwal na kaloob, dapat niyang kilalanin na ang isinusulat ko sa inyo ay utos ng Panginoon. Ang ayaw kumilala nito ay huwag din ninyong kilalanin. Kaya, mga kapatid ko, hangarín ninyo na makapagsalita ng mensahe mula sa Diyos, ngunit huwag naman ninyong ipagbawal ang pagsasalita sa iba't ibang mga wika. Kaya lang, gawin ninyo ang lahat ng bagay sa wasto at maayos na paraan. Mga kapatid, ngayo'y ipinapaalala ko sa inyo ang Magandang Balitang ipinangaral ko sa inyo. Iyan ang Magandang Balitang inyong tinanggap at naging saligan ng inyong pananampalataya. Naliligtas kayo sa pamamagitan nito, kung matatag ninyong pinanghahawakan ang salitang ipinangaral ko sa inyo; maliban na lamang kung walang kabuluhan ang inyong pagsampalataya. Sapagkat ibinigay ko sa inyo bilang pinakamahalaga sa lahat ang tinanggap ko rin: na si Cristo'y namatay dahil sa ating mga kasalanan, tulad ng sinasabi sa Kasulatan; inilibing siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, tulad din ng sinasabi sa Kasulatan; at siya'y nagpakita kay Pedro, at saka sa Labindalawa. Pagkatapos, nagpakita siya sa mahigit na limandaang kapatid na nagkakatipon. Marami sa kanila'y buháy pa hanggang ngayon, subalit patay na ang ilan. At nagpakita rin siya kay Santiago at pagkatapos ay sa lahat ng mga apostol. Sa kahuli-huliha'y nagpakita rin siya sa akin, kahit na ako'y tulad ng isang batang ipinanganak nang wala sa panahon. Sapagkat ako ang pinakahamak sa mga apostol; ni hindi nga ako karapat-dapat tawaging isang apostol, sapagkat inusig ko ang iglesya ng Diyos. Ngunit dahil sa kagandahang-loob niya, ako'y naging isang apostol, at hindi naman nawalan ng kabuluhan ang kaloob niyang ito sa akin. Katunayan, nagpagal ako nang higit kaysa sinuman sa kanila, subalit hindi ito dahil sa sarili kong kakayahan kundi dahil sa kagandahang-loob ng Diyos na nasa akin. Kaya't maging ako o sila, ito ang ipinapangaral namin, at ito ang pinaniwalaan ninyo. Ngayon, kung ipinapangaral naming si Cristo'y muling nabuhay, bakit sinasabi ng ilan sa inyo na hindi bubuhaying muli ang mga patay? Kung totoo iyan, lilitaw na hindi muling binuhay si Cristo. At kung si Cristo'y hindi muling binuhay, walang kabuluhan ang aming pangangaral at walang katuturan ang inyong pananampalataya. Kung ganoon, lilitaw na kami'y mga sinungaling na saksi ng Diyos dahil pinatotohanan namin na muling binuhay ng Diyos si Cristo ngunit hindi naman pala, kung talagang walang muling pagkabuhay ng mga patay. Kung hindi muling binubuhay ang mga patay, hindi rin muling binuhay si Cristo. At kung hindi muling binuhay si Cristo, kayo'y nananatili pa sa inyong mga kasalanan at walang katuturan ang inyong pananampalataya. Hindi lamang iyan, lilitaw pa na ang lahat ng mga namatay na sumampalataya kay Cristo ay napahamak. Kung ang pag-asa natin kay Cristo ay para lamang sa buhay na ito, tayo na ang pinakakawawa sa lahat ng tao. Ngunit sa katunayan si Cristo'y muling binuhay at ito'y katibayan na muli ngang bubuhayin ang mga patay. Kung paanong dumating ang kamatayan sa pamamagitan ng isang tao, gayundin naman, dumating ang muling pagkabuhay sa pamamagitan din ng isang tao. Sapagkat kung paanong namamatay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Adan, gayundin naman, mabubuhay ang lahat dahil sa kanilang kaugnayan kay Cristo. Ngunit ang bawat isa'y may kanya-kanyang takdang panahon. Si Cristo ang pinakauna sa lahat; pagkatapos, ang mga kay Cristo sa panahon ng pagparito niya. At darating ang wakas, kapag naibigay na ni Cristo ang kaharian sa Diyos Ama, pagkatapos niyang malupig ang lahat ng paghahari, pamahalaan at kapangyarihan. Sapagkat si Cristo'y dapat maghari hanggang sa malupig niya at lubusang mapasuko ang kanyang mga kaaway. Ang kahuli-hulihang kaaway na kanyang lulupigin ay ang kamatayan. Ganito ang sinasabi ng kasulatan, “Ang lahat ng bagay ay lubusang ipinailalim ng Diyos sa kanyang kapangyarihan.” Ngunit sa salitang “lahat ng bagay,” maliwanag na hindi kasama rito ang Diyos na siyang naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan ni Cristo. At kapag ang lahat ay nasa ilalim na ng kapangyarihan ng Anak, ipapailalim naman siya sa kapangyarihan ng Diyos na naglagay ng lahat ng bagay sa ilalim ng kapangyarihan niya. Sa gayon, ang Diyos ay mangingibabaw sa lahat. Kung hindi gayon, ano ang halaga ng pagpapabautismo ng mga tao para sa mga patay? Kung talagang hindi bubuhaying muli ang mga patay, bakit pa nagpapabautismo ang mga tao alang-alang sa kanila? At bakit pa kami nalalagay sa panganib sa lahat ng oras? Walang araw na di ako nabibingit sa kamatayan, [mga kapatid!] Sinasabi ko ito sapagkat ikinararangal ko kayo alang-alang kay Cristo Jesus na ating Panginoon! Kung ang pakikipaglaban ko sa mababangis na kaaway sa Efeso ay para sa tao lamang, ano ang mapapala ko? Kung hindi rin lamang bubuhaying muli ang mga patay, mabuti pa'y sundin na lamang natin ang kasabihang ito, “Kumain tayo at uminom, sapagkat bukas tayo'y mamamatay.” Huwag kayong paloloko. “Ang masasamang kasama ay nakakasira ng mabuting pagkatao.” Magpakatino kayo at talikuran ang pagkakasala. Ang iba sa inyo'y hindi kilala ang Diyos. Sinasabi ko ito upang mapahiya kayo. Subalit may magtatanong, “Paano bubuhaying muli ang mga patay? Ano ang magiging uri ng katawan nila?” Hangal! Hindi mabubuhay ang binhing itinatanim hangga't hindi iyon namamatay. At ang itinatanim ay hindi halamang malaki na, kundi binhi, tulad ng butil ng trigo, o ng ibang binhi. Ang Diyos ang nagbibigay ng katawan sa binhing iyon, ayon sa kanyang kagustuhan; bawat binhi'y binigyan niya ng angkop na katawan. At hindi pare-pareho ang laman ng mga nilikhang may buhay; iba ang laman ng tao, iba ang laman ng hayop, iba ang sa mga ibon, at iba ang sa mga isda. May mga katawang panlangit at mayroon namang panlupa; iba ang kagandahang panlupa at iba ang kagandahang panlangit. Iba ang liwanag ng araw, iba naman ang liwanag ng buwan, at iba rin ang ningning ng mga bituin, at maging ang mga bituin ay magkakaiba ang ningning. Ganyan din sa muling pagkabuhay ng mga patay. Ang inilibing ay mabubulok, ngunit hindi mabubulok kailanman ang muling binuhay; walang karangalan at mahina nang ilibing, marangal at malakas sa muling pagkabuhay; inilibing na katawang pisikal, muling mabubuhay bilang katawang espirituwal. Kung may katawang pisikal, mayroon ding katawang espirituwal. Ganito ang sinasabi sa kasulatan, “Ang unang tao, si Adan, ay nilikhang binigyan ng buhay”; ang huling Adan ay espiritung nagbibigay-buhay. Ngunit hindi nauna ang espirituwal; ang pisikal muna bago ang espirituwal. Ang unang Adan ay mula sa lupa, sapagkat nilikha siya mula sa alabok; ang pangalawang Adan ay mula sa langit. Ang katawang panlupa ay katulad ng nagmula sa lupa; ang katawang panlangit ay katulad ng nagmula sa langit. Kung paanong tayo'y naging katulad ng taong nagmula sa lupa, matutulad din tayo sa taong nanggaling sa langit. Ito ang ibig kong sabihin, mga kapatid: ang binubuo ng laman at dugo ay hindi maaaring makabahagi sa kaharian ng Diyos, at ang katawang nasisira ay hindi maaaring magmana ng hindi nasisira. Isang hiwaga ang sinasabi ko sa inyo, hindi lahat tayo'y mamamatay ngunit lahat tayo'y babaguhin, sa isang sandali, sa isang kisap-mata, kasabay ng huling pag-ihip ng trumpeta. Sapagkat sa pagtunog ng trumpeta, ang mga patay ay muling bubuhayin at di na muling mamamatay. Babaguhin tayong lahat. Ang ating katawang nabubulok ay mapapalitan ng hindi nabubulok, at ang katawang namamatay ay mapapalitan ng katawang hindi namamatay. Kapag ang nabubulok ay napalitan na ng di nabubulok, at ang may kamatayan ay napalitan na ng walang kamatayan, matutupad na ang sinasabi sa kasulatan: “Nalupig na ang kamatayan; lubos na ang tagumpay!” “Nasaan, O kamatayan, ang iyong tagumpay? Nasaan, O kamatayan, ang iyong kamandag?” Ang kamandag ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang kapangyarihan ng kasalanan ay nagmumula sa Kautusan. Magpasalamat tayo sa Diyos na nagbibigay sa atin ng tagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, magpakatatag kayo at huwag matinag. Maging masipag kayo palagi sa paglilingkod sa Panginoon, dahil alam ninyong hindi masasayang ang inyong pagpapagal para sa kanya. Tungkol naman sa ambagan para sa mga kapatid, gawin ninyo ang tulad sa ipinagbilin ko sa mga iglesya sa Galacia. Tuwing unang araw ng sanlinggo, ang bawat isa ay maglaan ng bahagi ng kanyang kinikita at ipunin iyon upang hindi na kailangang mag-ambagan pa pagpunta ko riyan. Pagdating ko riyan, bibigyan ko ng sulat ang mga taong pipiliin ninyo upang magdala ng inyong tulong sa Jerusalem. At kung kailangang pumunta rin ako, sasama ako sa kanila. Pupunta ako riyan pagkagaling ko sa Macedonia, sapagkat binabalak kong dumaan doon. Mananatili muna ako riyan at maaaring diyan na ako magpalipas ng taglamig upang ako'y matulungan ninyo sa pagpapatuloy ng aking paglalakbay, saanman ako pupunta. Ayaw kong ako'y dadaan lamang diyan; nais kong magtagal nang kaunti kung loloobin ng Panginoon. Titigil ako sa Efeso hanggang sa araw ng Pentecostes dahil may magandang pagkakataong nabuksan doon para sa gawain, kahit na maraming kumakalaban. Pagdating diyan ni Timoteo, ipadama ninyo ang inyong pagtanggap sa kanya upang mapanatag ang kanyang kalooban, sapagkat siya'y tulad kong naglilingkod sa Panginoon. Huwag ninyo siyang maliitin, sa halip ay tulungan ninyo upang makabalik siya sa akin nang mapayapa, sapagkat hinihintay ko siya kasama ng mga kapatid. Tungkol naman sa ating kapatid na si Apolos, kinausap ko siyang mabuti upang dalawin kayo kasama ng ibang mga kapatid. Ngunit hindi pa siya makakapunta ngayon. Saka na siya dadalaw sa inyo kapag nagkaroon ng pagkakataon. Maging handa kayo at magpakatatag sa inyong pananampalataya. Maging matapang kayo at magpakatibay, at ang lahat ng ginagawa ninyo'y gawin ninyo nang may pagmamahal. Mga kapatid, alam ninyong ang sambahayan ni Estefanas ang unang nakakilala sa Panginoon sa Acaya, at itinalaga nila ang kanilang sarili sa paglilingkod para sa mga hinirang ng Diyos. Nakikiusap ako sa inyo na kayo'y pasakop sa mga tulad nila at sa sinumang kasama nilang nagpapakahirap sa paglilingkod. Nagagalak ako sa pagdating nina Estefanas, Fortunato, at Acaico, sapagkat ginagawa nila ang hindi ninyo magawâ para sa akin. Sila ang nagpasigla sa akin, gayundin sa inyo. Pahalagahan ninyo ang gayong mga tao. Kinukumusta kayo ng mga iglesya sa Asia. Kinukumusta rin kayo nina Aquila at Priscila, at ng mga kapatid na nagtitipon sa kanilang bahay sa pangalan ng Panginoon. Kinukumusta rin kayo ng lahat ng kapatid dito. Magbatian kayo bilang magkakapatid na nagmamahalan. Ako mismong si Pablo ang sumusulat ng pagbating ito. Sumpain ang sinumang walang pag-ibig sa Panginoon! Marana tha —Dumating ka nawa, Panginoon namin! Sumainyo nawa ang pagpapala ng Panginoong Jesus. Sumainyong lahat ang aking pagmamahal sa pangalan ni Cristo Jesus. Mula kay Pablo na isang apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos, kasama ang kapatid nating si Timoteo— Para sa iglesya ng Diyos sa Corinto at sa mga hinirang ng Diyos, na nasa buong Acaya. Sumainyo nawa ang pagpapala at ang kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Purihin natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng kahabagan at Diyos na pinagmumulan ng lahat ng kaaliwan. Inaaliw niya kami sa aming mga kapighatian upang sa pamamagitan ng kaaliwang tinanggap natin sa kanya ay maaliw naman namin sa mga nahahapis. Sapagkat kung gaano karami ang aming paghihirap dahil sa aming pakikipag-isa kay Cristo, gayundin naman karami ang aming kaaliwan kay Cristo. Kung naghihirap man kami, ito'y para sa ikaaaliw at ikaliligtas ninyo. Kapag naaaliw kami, kayo ma'y naaaliw rin at lumalakas upang inyong matiis ang mga kapighatiang dinaranas ninyo tulad namin. Kaya't matibay ang aming pag-asa para sa inyo, sapagkat alam naming kung paanong kahati kayo sa aming kahirapan, magiging kahati rin kayo sa aming kaaliwan. Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang mga kapighatiang dinanas namin sa Asia. Napakabigat ng aming dinanas, anupa't akala namin ay mamamatay na kami. Para kaming hinatulan ng kamatayan. Subalit nangyari iyon upang huwag kaming manalig sa aming sarili, kundi sa Diyos na muling bumubuhay sa mga patay. Iniligtas niya kami sa malagim na kamatayan, at patuloy na ililigtas. Kami'y umaasa rin na patuloy niya kaming ililigtas sa tulong ng inyong mga panalangin. Sa gayon, marami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa pagpapala niya sa amin bilang tugon sa panalangin ng marami. Ito ang aming ipinagmamalaki at pinapatunayan naman ng aming budhi: tapat at walang pagkukunwari ang aming pakikisama sa lahat, lalo na sa inyo. Subalit nagawa namin ito sa kagandahang-loob ng Diyos at hindi sa pamamagitan ng karunungan ng tao. Ang isinulat namin sa inyo ay iyon lamang kaya ninyong basahin at unawain. Gayon pa man, hindi pa rin ninyo kami lubos na maunawaan. Ngunit umaasa akong mauunawaan din ninyo kami, upang sa araw ng ating Panginoong Jesus ay maipagmalaki ninyo kami kung paanong maipagmamalaki namin kayo. Dahil sa natitiyak ko ito, binalak kong pumunta muna diyan upang dalawang ulit kayong pagpalain. Binalak kong dalawin muna kayo diyan bago pumunta sa Macedonia, at dumaan muli sa pagbabalik ko galing doon upang matulungan ninyo ako sa pagpunta ko sa Judea. Ako ba'y nagdadalawang-isip nang balakin ko ito? Ako ba'y nagpaplanong tulad ng mga taga-sanlibutan, na nagsasabi ng “Oo” at pagkatapos ay hindi naman pala? Kung paanong ang Diyos ay tapat, gayundin ang aming salita sa inyo ay “Oo” kung “Oo” at “Hindi” kung “Hindi”. Ang Anak ng Diyos, na si Jesu-Cristo, na ipinangaral namin nina Silvano at Timoteo, ay hindi “Oo” at “Hindi” dahil lagi siyang “Oo,” sapagkat kay Cristo, ang lahat ng pangako ng Diyos ay palaging “Oo”. Dahil dito, nakakasagot tayo ng “Amen” sa pamamagitan niya para sa ikaluluwalhati ng Diyos. Ang Diyos ang nagpapatibay sa amin at sa inyo sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo, at siya rin ang humirang sa amin. Nilagyan niya kami ng kanyang tatak at pinagkalooban ng kanyang Espiritu bilang patunay na tutuparin niya ang kanyang mga ipinangako. Saksi ko ang Diyos, alam niya ang laman ng aking puso. Hindi muna ako pumunta riyan sa Corinto sapagkat kayo rin ang inaalala ko. Hindi sa nais naming pangunahan kayo sapagkat alam naming sinisikap ninyong maging matatag sa pananampalataya. Nais lamang naming tumulong upang maging maligaya kayo. Sapagkat ipinasya kong huwag na munang pumunta riyan upang hindi kayo muling madulutan ng kalungkutan. Dahil kung dudulutan ko kayo ng kalungkutan, sino pa ang aaliw sa akin? Hindi ba't kayo rin? Kaya sumulat muna ako sa inyo noon upang sa pagpunta ko riyan ay hindi ako mabigyan ng lungkot ng mga taong dapat sana ay magpasaya sa akin. Sapagkat natitiyak kong ang aking kagalakan ay kagalakan din ninyong lahat. Ang puso ko'y puno ng kalungkutan at pag-aalala nang sulatan ko kayo, at maraming luha ang tumulo habang sinusulat ko iyon. Sumulat ako sa inyo hindi upang kayo'y dulutan ng kalungkutan kundi upang ipadama kung gaano kalaki ang aking pagmamahal sa inyo. Kung may nagdulot ng kalungkutan kaninuman, hindi ito sa akin idinulot; hindi sa pinalalaki ko ang bagay na ito, pero ang totoo, kayong lahat ang dinulutan niya ng kalungkutan. Sapat na ang parusang iginawad sa kanya ng nakararami sa inyo. Dapat na ninyo siyang patawarin at aliwin upang hindi naman siya tuluyang masiraan ng loob dahil sa matinding lungkot. Kaya nakikiusap akong ipadama ninyo sa kanya na siya'y mahal pa rin ninyo. Ang isa pang dahilan ng pagsulat ko sa inyo noon ay upang subukin kayo at alamin kung sinusunod ninyo ang lahat ng ipinangaral ko sa inyo. Ang sinumang pinatawad ninyo ay pinatawad ko na rin. Ang pinatawad ko, kung mayroon man akong dapat patawarin, ay pinatawad ko na sa harapan ni Cristo alang-alang sa inyo, upang hindi tayo malamangan ni Satanas, sapagkat hindi lingid sa atin ang kanyang mga pamamaraan. Nang dumating ako sa Troas upang mangaral ng Magandang Balita tungkol kay Cristo, nagbukas ang Panginoon ng pintuan upang maisagawa iyon. Ngunit hindi rin ako mapanatag sapagkat hindi ko natagpuan doon si Tito na ating kapatid. Kaya ako'y nagpaalam sa mga tagaroon at nagtuloy sa Macedonia. Ngunit salamat sa Diyos at lagi niya kaming isinasama sa parada ng tagumpay ni Cristo, dahil sa aming pakikipag-isa sa kanya. At sa pamamagitan namin ay pinalalaganap ng Diyos sa lahat ng dako ang mabangong halimuyak ng pagkakilala sa kanya. Para kaming mabangong samyo ng insensong inihahandog ni Cristo sa Diyos at nalalanghap naman ng mga naliligtas at ng mga napapahamak. Sa mga napapahamak, ito'y parang alingasaw na nakamamatay, ngunit sa mga naliligtas, ito'y halimuyak na nagdudulot ng buhay. Sino ang may sapat na kakayahang gumawa ng mga bagay na ito? Hindi kami katulad ng marami na kinakalakal ang salita ng Diyos. Sa halip, bilang sugo ng Diyos, sa kanyang harapan at sa aming pakikipag-isa kay Cristo ay buong katapatan kaming nangangaral. Akala ba ninyo'y pinupuri na naman namin ang aming sarili? Kami ba'y tulad ng iba na nangangailangan pa ng rekomendasyon para sa inyo o mula sa inyo? Kayo mismo ang aming sulat ng rekomendasyon. Nakasulat kayo sa aming puso upang makilala at mabasa ng lahat. Ipinapakita ninyo na kayo ay sulat ni Cristo na ipinadala niya sa pamamagitan namin, hindi nakasulat sa tinta, kundi isinulat ng Espiritu ng Diyos na buháy, at hindi sa mga tapyas na bato kundi nakaukit sa puso ng mga tao. Nasasabi namin ito dahil kami ay may pagtitiwala sa Diyos sa pamamagitan ni Cristo. Kung sa aming sarili lamang ay wala kaming kakayahang gawin ito; subalit ang aming kakayahan ay kaloob ng Diyos. Binigyan niya kami ng kakayahang maging lingkod ng bagong tipan, isang kasunduang hindi ayon sa kautusang nakasulat kundi ayon sa Espiritu. Sapagkat ang kautusang nakasulat ay nagdudulot ng kamatayan, ngunit ang Espiritu'y nagbibigay-buhay. Nang ibigay ang Kautusang nakaukit sa mga tapyas ng bato, nahayag ang kaluwalhatian ng Diyos, kaya nga hindi matingnan ng mga Israelita ang mukha ni Moises kahit na ang liwanag na iyon sa mukha niya ay pansamantala lamang. Kung ang paglilingkod na batay sa Kautusang nakaukit sa bato, at nagdadala ng kamatayan, ay dumating na may kalakip na gayong kaluwalhatian, gaano pa kaya ang kaluwalhatian ng paglilingkod ayon sa Espiritu? Kung may kaluwalhatian ang paglilingkod na nagdudulot ng hatol na kamatayan, lalo pang maluwalhati ang paglilingkod na nagdudulot ng pagpapawalang-sala. Dahil dito, masasabi nating ang dating kaluwalhatian ay wala na, sapagkat napalitan na ito ng higit na maluwalhati. Kung may kaluwalhatian ang lumilipas, lalong higit ang kaluwalhatian ng nananatili magpakailanman. Dahil sa pag-asa naming iyan, malakas ang aming loob. Hindi kami tulad ni Moises na nagtalukbong ng mukha para hindi makita ng mga Israelita ang paglipas ng kaluwalhatiang iyon. Ngunit naging matigas ang kanilang ulo kaya't hanggang ngayo'y nananatili ang talukbong na iyon habang binabasa nila ang lumang tipan. Maaalis lamang ang talukbong na iyon sa pakikipag-isa kay Cristo. Hanggang ngayon, may talukbong pa ang kanilang isip tuwing binabasa nila ang mga aklat ni Moises. Ngunit kapag lumapit ang tao sa Panginoon, naaalis ang talukbong. Ang Panginoong binabanggit dito ay ang Espiritu, at kung nasaan ang Espiritu ng Panginoon ay mayroong kalayaan. At ngayong naalis na ang talukbong, nagniningning sa ating mga mukha ang kaluwalhatian ng Panginoon. At ang kaluwalhatiang iyan na nagmumula sa Panginoon, na siyang Espiritu, ang siyang magbabago sa atin mula sa isang antas ng kaluwalhatian hanggang tayo'y maging kalarawan niya. Dahil sa habag ng Diyos, ibinigay niya sa amin ang paglilingkod na ito kaya't hindi humihina ang aming loob. Tinalikuran namin ang lahat ng lihim at kahiya-hiyang gawain. Hindi kami nanloloko ng mga tao, at hindi namin pinipilipit ang salita ng Diyos. Sa halip, hayagan naming ipinapangaral ang katotohanan. Kaya't maaari kaming suriin ninuman sa harapan ng Diyos. Kung may talukbong pa ang Magandang Balitang ipinapahayag namin, ito'y may talukbong lamang sa mga napapahamak. Hindi sila sumasampalataya sapagkat ang kanilang isip ay binulag ng diyos ng kasamaan sa daigdig na ito, upang hindi nila makita ang liwanag ng Magandang Balita tungkol sa kaluwalhatian ni Cristo na siyang larawan ng Diyos. Hindi namin ipinapangaral ang aming sarili, kundi si Cristo Jesus bilang Panginoon. At kami ay lingkod ninyo alang-alang kay Jesus. Sapagkat ang Diyos na nag-utos na magkaroon ng liwanag sa gitna ng kadiliman ay siya ring nagbigay liwanag sa aming isip upang makilala namin ang kaluwalhatian ng Diyos na nahahayag sa mukha ni Cristo. Ngunit kaming pinagkalooban ng kayamanang espirituwal na ito ay tulad sa mga palayok na gawa sa putik, upang ipakilala na ang dakilang kapangyarihang ito ay sa Diyos, at hindi sa amin. Kabi-kabilaan ang pagpapahirap sa amin, ngunit hindi kami nalulupig. Kung minsa'y nababagabag, ngunit hindi kami nawawalan ng pag-asa. Inuusig kami, ngunit hindi pinababayaan. Napapatumba kami, ngunit hindi lubusang nailulugmok. Lagi naming taglay sa aming katawan ang kamatayan ni Jesus, upang sa pamamagitan ng aming katawan ay mahayag ang kanyang buhay. Habang kami'y nabubuhay, lagi kaming nabibingit sa kamatayan alang-alang kay Jesus upang sa aming katawang may kamatayan ay mahayag ang kanyang buhay. Kaya't habang nagwawagi sa amin ang kamatayan, nagwawagi naman sa inyo ang buhay. Sinasabi ng kasulatan, “Nagsalita ako sapagkat ako'y sumampalataya.” Sa ganoon ding diwa ng pananampalataya, nagsasalita kami dahil kami'y sumasampalataya. Sapagkat alam naming ang Diyos na muling bumuhay sa Panginoong Jesus ay siya ring bubuhay sa amin kasama si Jesus, at magdadala sa atin sa kanyang piling. Ang lahat ng pagtitiis ko ay para sa kapakanan ninyo upang sa pagdami ng mga nakakatanggap ng kagandahang-loob ng Diyos, lalo pang dumami ang magpapasalamat sa ikaluluwalhati niya. Kaya't hindi kami nasisiraan ng loob. Kahit na humihina ang aming katawang-lupa, patuloy namang pinalalakas ang aming espiritu araw-araw. Ang bahagya at panandaliang kapighatiang dinaranas namin ngayon ay magbubunga ng kagalakang walang hanggan at walang katulad. Kaya't ang paningin namin ay nakatuon sa mga bagay na di-nakikita, at hindi sa mga bagay na nakikita. Sapagkat panandalian lamang ang mga bagay na nakikita, ngunit walang hanggan ang mga bagay na di-nakikita. Alam naming kapag nasira na ang toldang tinatahanan natin ngayon, ang ating katawang-lupa, kami'y may tahanan sa langit na hindi kailanman masisira, isang tahanang ginawa ng Diyos, at hindi ng tao. Dumaraing kami habang kami'y nasa toldang ito, at labis na nananabik sa aming tahanang makalangit, upang kung mabihisan na kami nito ay hindi kami matagpuang hubad. Habang nakatira pa kami sa toldang ito, kami'y naghihinagpis at dumaraing, hindi dahil nais na naming iwaksi ang katawang panlupa, kundi dahil nais na naming mabihisan ng katawang panlangit. Sa gayon, ang buhay na may katapusan ay mapapalitan ng buhay na walang hanggan. Ang Diyos mismo ang naghanda sa amin para sa ganitong pagbabago, at ibinigay niya sa amin ang Espiritu bilang katibayan na ito'y matutupad. Kaya't laging malakas ang aming loob. Alam naming habang kami'y narito pa sa katawang-lupa, hindi kami makakapasok sa tahanang inihanda ng Panginoon. Sapagkat namumuhay kami batay sa pananampalataya at hindi sa mga bagay na nakikita. Malakas ang aming loob at mas gusto pa nga naming iwan ang katawang ito na aming tinatahanan ngayon, upang manirahan na sa piling ng Panginoon. Kaya naman, ang pinakananais namin ay maging kalugud-lugod sa kanya, maging nasa katawang-lupa o maging nasa piling na niya. Sapagkat lahat tayo'y haharap sa hukuman ni Cristo at tatanggap ng nararapat ayon sa ating mga gawang mabuti o masama, nang tayo'y nabubuhay pa sa katawang ito. Kaya nga, dahil may takot kami sa Panginoon, sinisikap naming hikayatin ang mga tao na manumbalik sa kanya. Alam ng Diyos ang tunay naming pagkatao; at inaasahan kong kilalang-kilala rin ninyo ako. Hindi dahil sa nais naming ipagmalaking muli sa inyo ang aming sarili, kundi nais naming bigyan kayo ng dahilan upang kami'y maipagmalaki ninyo, nang sa gayon ay masagot ninyo ang mga taong walang ipinagmamalaki kundi ang mga bagay na panlabas at hindi ang tunay na pagkatao. Kung kami'y parang nasisiraan ng isip, iyon ay alang-alang sa Diyos. At kung matino naman kami, iyan ay para sa kapakanan ninyo. Ang pag-ibig ni Cristo ang naghahari sa amin, sapagkat natitiyak naming may isang namatay para sa lahat, kung kaya't ang lahat ay maibibilang nang patay. Namatay siya para sa lahat upang ang mga nabubuhay ngayon ay huwag nang mabuhay para sa sarili, kundi para kay Cristo na namatay at muling nabuhay para sa kanila. Kaya ngayon, ang pagtingin namin sa bawat tao ay hindi na batay sa sukatan ng tao. Noong una'y ganoon ang aming pagkakilala kay Cristo, ngunit ngayo'y hindi na. Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago. Ang Diyos ang gumawa ng lahat ng ito. Sa pamamagitan ni Cristo, ibinilang niya kaming mga kaibigan at hindi na kaaway, at pinagkatiwalaan niya kami upang maglingkod nang sa gayon ang mga tao ay maging kaibigan rin niya. Ang ibig sabihin, sa pamamagitan ni Cristo, ang mga tao'y ibinilang ng Diyos na kaibigan, at hindi na niya tinatandaan ang kanilang mga kasalanan. At kami naman ay inatasan niyang ipamalita ito. Kaya nga, kami'y mga sugo ni Cristo; ang Diyos mismo ang nakikiusap sa inyo sa pamamagitan namin. Kami'y nakikiusap sa inyo alang-alang kay Cristo: makipagkasundo kayo sa Diyos. Hindi nagkasala si Cristo, ngunit alang-alang sa atin, siya'y itinuring na makasalanan upang sa pakikipag-isa natin sa kanya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos. Yamang kami'y magkakasama sa gawain ng Diyos, nakikiusap kami sa inyo na huwag ninyong sayangin ang kagandahang-loob na ibinibigay sa inyo ng Diyos. Sapagkat sinasabi niya, “Sa kaukulang panahon ay pinakinggan kita, sa araw ng pagliligtas, sinaklolohan kita.” Ngayon na ang kaukulang panahon! Ito na ang araw ng pagliligtas! Iniwasan naming makagawa ng anumang makakahadlang kaninuman upang hindi mapulaan ang aming paglilingkod. Sa halip, sa lahat ng paraan sinisikap naming ipakita ang aming katapatan bilang mga lingkod ng Diyos. Kami'y matiyagang nagtiis sa lahat ng uri ng kahirapan, kapighatian at mga kagipitan. Kami'y hinagupit, ibinilanggo at binugbog. Naranasan namin ang magtrabaho nang labis, mapuyat at magutom. Namuhay kami nang malinis, may kaalaman, pagtitiis, kabutihan, patnubay ng Espiritu Santo, tunay na pag-ibig, tapat na pananalita, at kapangyarihan ng Diyos. Ang pagiging matuwid ang siya naming sandatang panlaban at panangga. Naranasan naming maparangalan at ipahiya, ang laitin at papurihan. Kami'y itinuring na sinungaling, gayong totoo naman ang aming sinasabi; hindi kinikilala, gayong kami'y kinikilala ng marami; itinuturing na patay na, ngunit buháy naman; pinaparusahan kami, subalit hindi pinapatay. Ang tingin sa amin ay nalulungkot, gayong kami'y laging nagagalak; mga dukha, ngunit marami kaming pinapayaman; mga walang-wala, ngunit sagana sa lahat ng bagay. Mga taga-Corinto, tapatan ang pagsasalita namin sa inyo. Binuksan namin ang aming puso sa inyo. Hindi namin isinara ang aming puso sa inyo; kayo ang nagsara ng inyong puso sa amin. Kinakausap ko kayo bilang mga anak, buksan naman ninyo sa amin ang inyong puso, tulad ng ginagawa namin sa inyo. Huwag kayong makisama sa mga di-sumasampalataya na para bang kapareho ninyo sila. Maaari bang magsama ang katuwiran at ang kalikuan? O kaya'y ang liwanag at ang kadiliman? Maaari bang magkasundo si Cristo at ang Diyablo? Ano ang kaugnayan ng sumasampalataya sa di- sumasampalataya? O di kaya'y ng templo ng Diyos sa diyus-diyosan? Hindi ba't tayo ang templo ng Diyos na buháy? Siya na rin ang maysabi, “Mananahan ako at mamumuhay sa piling nila. Ako ang magiging Diyos nila, at sila'y magiging bayan ko. Kaya't lumayo kayo sa kanila, humiwalay kayo sa kanila,” sabi ng Panginoon. “Iwasan ninyo ang anumang marumi, at tatanggapin ko kayo. Ako ang magiging ama ninyo, at kayo'y magiging mga anak ko,” sabi ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat. Mga minamahal, yamang ipinangako sa atin ang mga bagay na ito, alisin natin sa ating sarili ang lahat ng nakapagpaparumi sa ating katawan at sa ating espiritu. Sikapin nating mamuhay nang may ganap na kabanalan at paggalang sa Diyos. Bigyan ninyo kami ng puwang sa inyong puso. Kailanma'y hindi namin kayo ginawan ng masama, itinulak na gumawa ng masama, o nilamangan ang sinuman sa inyo. Sinasabi ko ito hindi upang hatulan kayo sapagkat gaya ng sinabi ko, mahal na mahal namin kayo at kami'y kasama ninyo sa buhay at kamatayan. Lubos ang aking pagtitiwala sa inyo; lagi ko kayong ipinagmamalaki! Sa kabila ng lahat naming tinitiis, ang nadarama ko'y kaaliwan; nag-uumapaw sa puso ko ang kagalakan. Nang kami'y nasa Macedonia, hindi rin kami nakapagpahinga. Sa lahat ng pagkakataon ay naranasan namin ang matinding hirap, panunuligsa mula sa labas at pangamba naman na nasa aming kalooban. Subalit ang Diyos na umaaliw sa naghihinagpis ay nagbigay-aliw sa amin sa pagdating ni Tito. Hindi lamang ang pagdating niya ang nakaaliw sa amin. Maging ang pag-aliw ninyo sa kanya ay nakaaliw din sa amin. Ibinalita niya ang inyong pananabik na ako'y makita, ang inyong kalungkutan at pagmamalasakit sa akin, kaya't lalo akong nagalak. Hindi ko pinagsisisihan ang pagkasulat ko sa inyo kahit na nalungkot kayo dahil dito. Nalungkot nga ako nang malaman kong nasaktan kayo nang kaunting panahon dahil sa aking sulat. Ngayon ay nagagalak na ako sapagkat ang kalungkutang iyon ang ginamit ng Diyos para akayin kayo na pagsisihan at talikuran ang inyong pagkakasala, kaya't hindi kayo napinsala dahil sa amin. Sapagkat ang kalungkutang buhat sa Diyos ay nagbubunga ng pagsisisi at pagbabago tungo sa kaligtasan. Ngunit ang kalungkutang dulot ng mundo ay humahantong sa kamatayan. Tingnan ninyo ang ibinunga ng kalungkutang buhat sa Diyos: naging masikap kayo at masigasig na linisin ang inyong pangalan; nagalit kayo sa mali; nagkaroon kayo ng banal na pagkatakot; nanabik kayo sa aking pagdating; nagkaroon ng malasakit at hangaring maparusahan ang nagkasala! Ipinakita ninyo sa lahat ng paraan na kayo'y walang sala sa mga bagay na iyon. Kaya nga, ang pagsulat ko sa inyo ay hindi dahil sa taong nagkasala o sa taong ginawan ng kasalanan, kundi upang sa harapan ng Diyos ay makita ninyo na kayo'y nagmamalasakit sa amin. Kaya't ang ginawa ninyo ay nagdulot sa amin ng malaking kaaliwan. At nalubos ang aming kagalakan dahil pinasigla ninyo ang kalooban ni Tito. Ipinagmalaki ko kayo sa kanya, at hindi naman ako napahiya. Sapagkat kung paanong lahat ng sinasabi ko sa inyo ay totoo, napatunayang totoo rin ang lahat ng sinabi ko kay Tito tungkol sa inyo. At lalo kayong napapamahal sa kanya habang naaalala niya ang pagkamasunurin ninyong lahat at ang inyong pagtanggap sa kanya nang may takot at paggalang. Labis akong nagagalak dahil kayo'y lubos kong mapagkakatiwalaan. Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang ipinakitang kagandahang-loob ng Diyos sa mga iglesya sa Macedonia. Dumanas sila ng matinding kahirapan at ito'y isang mahigpit na pagsubok sa kanila. Ngunit sa kabila ng kanilang paghihikahos, masayang-masaya pa rin sila at bukás ang palad sa pagbibigay. Sila'y kusang-loob na nagbigay, hindi lamang sa abot ng kanilang kaya, kundi higit pa. Alam ko ito sapagkat mahigpit nilang ipinakiusap sa amin na sila'y bigyan ng pagkakataong makatulong sa mga kapatid na nangangailangan, at higit pa sa inaasahan namin. Ibinigay nila ang kanilang sarili, una sa Panginoon, at pagkatapos ay sa amin, ayon sa kalooban ng Diyos. Kaya't pinakiusapan namin si Tito, dahil siya ang nagsimula ng gawaing ito, na kayo'y tulungan niya hanggang sa malubos ang pagkakawanggawa ninyong ito. Masagana kayo sa lahat ng bagay: sa pananampalataya, sa pagpapahayag, sa kaalaman, sa kasipagan, at sa inyong pag-ibig sa amin. Sikapin ninyong maging masagana rin sa pagkakawanggawang ito. Hindi sa inuutusan ko kayo. Sinasabi ko lamang sa inyo ang pagsisikap ng iba upang masubok ang katapatan ng inyong pag-ibig. Hindi kaila sa inyo ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kahit na mayaman ay naging dukha upang maging mayaman kayo sa pamamagitan ng kanyang pagiging dukha. Kaya ito ang payo ko: mas mabuting ipagpatuloy ninyo ang inyong pag-iipon ng kaloob na sinimulan ninyo noon pang isang taon. Kayo ang nanguna, hindi lamang sa pagsasagawa nito kundi maging sa paghahangad. Kaya't tapusin na ninyo ito! Ang sigasig ninyo noon sa paghahangad ay tumbasan ninyo ng sigasig na tapusin ang bagay na ito. Magbigay kayo ayon sa inyong makakaya. Sapagkat kung may hangaring magbigay, tatanggapin ng Diyos ang inyong kaloob ayon sa inyong makakaya at hindi ayon sa hindi ninyo kaya. Hindi sa ibig kong guminhawa ang iba at mabigatan naman kayo. Ang ibig ko ay matulungan ninyo ang isa't isa. Masagana kayo ngayon; marapat lamang na tulungan ninyo ang mga nangangailangan. Kung kayo naman ang mangailangan at sila'y sumagana, sila naman ang tutulong sa inyo. Sa gayon, magkakapantay-pantay ang kalagayan ninyo. Tulad ng nasusulat, “Ang kumuha ng marami ay hindi lumabis, at ang kumuha ng kaunti ay hindi naman kinulang.” Salamat sa Diyos dahil inilagay niya sa puso ni Tito ang gayunding pagmamalasakit. Hindi lamang niya pinaunlakan ang aming pakiusap, kundi sa kagustuhang makatulong sa inyo, nagprisinta pang siya ang pupunta riyan. Pinasama namin sa kanya ang kapatid na kilala sa lahat ng iglesya dahil sa kanyang pangangaral ng Magandang Balita. Hindi lamang iyan! Siya'y pinili ng mga iglesya upang maglakbay kasama namin at tulungan kami sa pangangasiwa sa gawaing ito. Ang ganitong pagkakawanggawa ay para sa ikaluluwalhati ng Panginoon at upang maipakita ang aming hangaring makatulong. Nag-iingat kami upang walang masabi ang sinuman tungkol sa pangangasiwa namin sa masaganang kaloob na ito. Ang layunin namin ay gawin kung ano ang marangal, hindi lamang sa paningin ng Panginoon kundi maging sa paningin ng mga tao. Kaya isinusugo naming kasama nila ang isa pa nating kapatid na subok na namin sa maraming pagkakataon, at lalong masigasig sa pagtulong ngayon dahil sa malaking tiwala niya sa inyo. Tungkol kay Tito, siya ang kasama ko at kamanggagawa sa pagtulong sa inyo. Tungkol naman sa mga kapatid na kasama niya, sila'y mga kinatawan ng mga iglesya sa ikararangal ni Cristo. Kaya't ipadama ninyo sa kanila ang matapat ninyong pag-ibig upang makita ng mga iglesya na hindi kami nagkamali sa pagmamalaki tungkol sa inyo. Hindi na kailangang sumulat pa ako sa inyo tungkol sa pagtulong sa mga kapatid sa iglesya. Alam kong handa na kayong tumulong, kaya't ipinagmamalaki ko kayo sa mga taga-Macedonia. Ang sabi ko'y handa na kayong mga taga-Acaya noon pang nakaraang taon, at dahil dito'y lalo silang sumigla sa pagtulong. Kaya't pinapapunta ko riyan ang mga kapatid na ito upang mapatunayang tama ang aming pagmamalaki tungkol sa inyo, at nang maihanda na ninyo ang inyong tulong, gaya ng sinabi ko. Kung hindi, kung may mga taga-Macedonia na sumama sa akin at makita nilang hindi pala kayo handa, baka mapahiya ako at pati kayo. Kaya't pinakiusapan ko ang mga kapatid na mauna riyan, upang maihanda ang tulong na ipinangako ninyo. Sa gayon, makikita na talagang kusang-loob ang pagbibigay ninyo at hindi sapilitan. Ito ang ibig kong sabihin: ang nagtatanim ng kakaunti ay aani ng kakaunti, at ang nagtatanim ng marami ay aani ng marami. Ang bawat isa'y dapat magbigay ayon sa kanyang pasya, maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang, sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay nang may kagalakan. Magagawa ng Diyos na pasaganain kayo sa lahat ng bagay, at higit pa sa inyong pangangailangan, upang sumagana kayo para sa mabubuting gawa. Tulad ng nasusulat, “Siya'y masaganang nagbibigay sa mga dukha; ang kanyang kabutihan ay walang hanggan.” Ang Diyos na nagbibigay ng binhing itatanim at tinapay na makakain, ang siya ring magbibigay sa inyo ng binhi, at magpapalago nito upang magbunga nang sagana ang inyong kabutihang-loob. Pasasaganain niya kayo sa lahat ng bagay upang mas marami ang inyong matulungan. Sa gayon, lalong darami ang magpapasalamat sa Diyos dahil sa inyong tulong na dadalhin namin sa kanila. Ang paglilingkod ninyo upang tumulong sa mga kapatid ay hindi lamang makakatugon sa kanilang pangangailangan, kundi magiging dahilan pa ng nag-uumapaw na pagpapasalamat nila sa Diyos. Ang bukas-palad ninyong pagbibigay sa kanila at sa lahat ang siyang magpapatunay na matapat ninyong sinusunod ang Magandang Balita ni Cristo. Dahil diyan, magpupuri sila sa Diyos. Kaya't buong pagmamahal nila kayong ipapanalangin, dahil sa di-masukat na kagandahang-loob ng Diyos sa inyo. Salamat sa Diyos dahil sa kanyang kaloob na walang kapantay! Akong si Pablo, na ang sabi ng ilan ay mapagpakumbaba at mabait kapag kaharap ninyo ngunit matapang kapag wala riyan, ay nakikiusap sa inyo, alang-alang sa kababaang-loob at kabutihan ni Cristo. Ipinapakiusap kong huwag ninyo akong piliting magsalita nang mabigat, pagdating ko riyan, dahil kaya kong gawin iyon sa mga nagsasabing kami'y namumuhay ayon sa pamamaraan ng mundong ito. Kung nabubuhay man kami sa mundong ito, hindi naman kami nakikipaglaban ayon sa pamamaraan ng mundong ito. Ang sandata namin sa pakikipaglaban ay hindi makamundo, kundi ang kapangyarihan ng Diyos na nakakapagpabagsak ng mga kuta. Sinisira namin ang mga maling pangangatuwiran, ginagapi namin ang lahat ng pagmamataas laban sa kaalaman tungkol sa Diyos, at binibihag namin ang lahat ng isipan upang matutong sumunod kay Cristo. Kapag lubos na ang inyong pagsunod, nakahanda kaming parusahan ang lahat ng mga ayaw sumunod. Ang mga bagay na panlabas lamang ang tinitingnan ninyo. Kung naniniwala ang sinuman na siya'y nakipag-isa kay Cristo, isipin niyang kami man, tulad niya, ay nakipag-isa rin kay Cristo. Ipagmalaki ko man ang kapangyarihang ibinigay sa amin ng Diyos sa ikakatibay ninyo at hindi sa ikapapahamak, hindi ako mapapahiya. Huwag ninyong isiping tinatakot ko kayo sa mga sulat ko. Sinasabi ng ilan na sa mga sulat ko lamang ako matapang, ngunit kapag kaharap nama'y mahina at ang mga salita'y walang kuwenta. Dapat malaman ng mga taong nagsasabi ng ganyan na kung ano ang sinasabi namin sa sulat ngayong wala kami riyan, ay siya rin naming gagawin kapag kaharap na ninyo kami. Hindi kami nangangahas na ipantay o ihambing man lamang ang aming sarili sa ilang nagbubuhat ng sariling bangko. Napakahangal nila! Ang sarili rin nila ang ginagawa nilang sukatan at pamantayan ng kanilang sarili! Hindi kami lalampas sa hangganang ibinigay ng Diyos para sa gawaing itinakda niya sa amin, at kasama riyan ang gawain namin sa inyo. Hindi kami lumampas sa hangganang iyon gayong kami ang unang pumunta riyan sa inyo dala ang Magandang Balita tungkol kay Cristo. Hindi kami lumalampas sa hangganan sa pamamagitan ng pagyayabang sa pinaghirapan ng iba. Sa halip, umaasa kaming tatatag ang inyong pananampalataya sa Diyos, at dahil diyan ay lalawak pa ang aming saklaw sa inyo. Sa gayon, maipapangaral namin ang Magandang Balita sa ibang mga lupain, hindi lamang sa inyo, nang hindi ipinagyayabang ang pinaghirapan ng iba. Tulad ng sinasabi sa kasulatan, “Kung may nais magmalaki, ang ipagmalaki niya'y ang ginawa ng Panginoon.” Hindi ang taong pumupuri sa sarili ang katanggap-tanggap, kundi ang taong pinupuri ng Panginoon. Ipagpaumanhin ninyo ang aking kaunting kahangalan. Nag-aalala ako sa inyo tulad ng pag-aalala ng Diyos. Ang katulad ninyo ay isang malinis na dalagang ipinakipagtipan ko sa isang lalaki, walang iba kundi si Cristo. Ngunit nag-aalala akong baka malason ang inyong isipan at mailayo kayo sa tapat [at dalisay] na pananampalataya kay Cristo, tulad ni Eva na nalinlang ng ahas. Sapagkat malugod ninyong tinatanggap ang sinumang dumarating at may Jesus na ipinangangaral na iba sa ipinangaral namin. Tinatanggap ninyo ang espiritu at aral na iba sa itinuro namin sa inyo. Palagay ko nama'y hindi ako pahúhulí sa magagaling na mga “apostol” na iyan. Maaaring hindi ako mahusay magsalita, ngunit hindi naman kapos sa kaalaman. Pinatunayan ko ito sa inyo sa lahat ng bagay at pagkakataon. Ipinangaral ko sa inyo ang Magandang Balita ngunit hindi ako humingi ng kabayaran. Ako'y nagpakababà upang maitaas kayo. Masasabi bang kasalanan ang ginawa kong ito? Ibang iglesya ang tumustos sa aking mga pangangailangan. Parang ninakawan ko sila, makapaglingkod lamang sa inyo. At nang ako'y kapusin diyan, hindi ako naging pabigat kaninuman sa inyo sapagkat dinalhan ako ng tulong ng mga kapatid sa Macedonia. Iniwasan ko, at patuloy kong iiwasan na maging pabigat sa inyo sa anumang paraan. Habang ang katotohanan ni Cristo ay nasa akin, hindi mapapatigil ang pagmamalaki kong ito saanman sa Acaya. Bakit ko ginagawa ito? Dahil ba sa hindi ko kayo mahal? Alam ng Diyos kung gaano ko kayo kamahal! At patuloy kong gagawin ang ginagawa ko ngayon, upang mawalan ng batayan ang pagmamalaki ng iba na ang paglilingkod nila ay tulad ng aming ginagawa. Ang mga iyan ay mga huwad na apostol, madadayang manggagawa at nagpapanggap na mga apostol ni Cristo. Hindi ito kataka-taka sapagkat si Satanas man ay nagkukunwaring anghel ng liwanag. Kaya, hindi kataka-taka na ang kanyang mga lingkod ay magkunwaring lingkod ng katuwiran. Ang kanilang kahihinatnan ay ayon lamang sa kanilang mga gawa. Inuulit ko, huwag isipin ninuman na ako'y hangal. Ngunit kung ganoon ang akala ninyo, tatanggapin ko na, upang ako man ay makapagyabang nang kaunti. Ang sinasabi ko sa pagmamalaking ito ay hindi buhat sa Panginoon kundi pagyayabang ng isang hangal. Dahil marami ang nagyayabang tungkol sa mga bagay na makalupa, ako man ay magyayabang din. Nagtitiyaga kayo sa mga hangal na iyan, palibhasa'y matatalino kayo! Pinapagtiisan ninyong kayo'y alipinin, sakmalin, pagsamantalahan, maliitin, o sampalin. Nakakahiya man ay aaminin kong hindi namin kayang gawin iyan! Kung may nangangahas na magyabang, ako'y mangangahas din na magyabang. Ako'y nagsasalita tulad ng isang hangal. Sila ba'y Hebreo? Ako rin. Mga Israelita ba sila? Ako rin. Sila ba'y mula sa lahi ni Abraham? Ako rin. Sila ba'y mga lingkod ni Cristo? Mas mabuti akong lingkod ni Cristo kaysa kanila. Para akong isang baliw na nagsasalita ngayon. Higit ang aking pagpapagal kaysa sa kanila; mas maraming beses akong nabilanggo, hinagupit nang napakaraming beses, at madalas na nabingit sa kamatayan. Limang beses akong tumanggap ng tatlumpu't siyam na hagupit mula sa mga Judio; tatlong ulit kong naranasang hagupitin [ng mga Romano], at minsang pinagbabato. Tatlong beses kong naranasang mawasak ang barkong aking sinasakyan, at minsa'y buong araw at gabi akong lulutang-lutang sa dagat. Sa malimit kong paglalakbay, nalagay ako sa iba't ibang panganib: sa mga ilog, sa mga tulisan, sa aking mga kababayan at sa mga Hentil; mga panganib sa lungsod, sa ilang, sa dagat, sa mga huwad na kapatid. Naranasan ko rin ang labis na hirap at pagod, malimit na pagpupuyat, at matinding gutom at uhaw. Naranasan ko ang ginawin ngunit wala man lamang maibalabal. Bukod sa lahat ng ito ay araw-araw kong pinapasan ang mga alalahanin para sa lahat ng mga iglesya. Kapag may nanghihina, nanghihina rin ako, at kapag may nahuhulog sa pagkakasala, labis ko itong ikinagagalit. Kung kailangan kong magyabang, ipagyayabang ko ang mga bagay na nagpapakita ng aking kahinaan. Hindi ako nagsisinungaling. Alam iyan ng Diyos at Ama ng Panginoong Jesus. Purihin siya magpakailanman! Nang ako'y nasa Damasco, ang pintuan ng lungsod ay pinabantayan ng gobernador na nasasakop ni Haring Aretas upang ipahuli ako. Ngunit isinakay ako sa isang malaking kaing, pinadaan ako sa butas sa pader at ibinabâ sa kabila upang ako'y makatakas. Kailangan ko pang magmalaki, kahit wala akong mapapala dito. Ang sasabihin ko naman ngayo'y ang mga pangitain at mga pahayag mula sa Panginoon. May kilala akong isang Cristiano na dinala sa ikatlong langit, labing-apat na taon na ang nakakalipas. Hindi ko lang matiyak kung iyo'y isang pangitain lamang, o tunay na pangyayari; ang Diyos lamang ang nakakaalam. Alam kong ang taong iyon ay dinala sa Paraiso. Hindi ko lang alam kung iyon ay isang pangitain o tunay na pangyayari. Tanging Diyos ang nakakaalam. Nakarinig siya ng mga bagay na hindi kayang ilarawan ng salita at hindi maaaring sabihin ninuman. Ipagmamalaki ko ang taong iyon, at hindi ang aking sarili, maliban sa aking mga kahinaan. At kung ako'y magmalaki man, hindi ako lalabas na hangal, sapagkat totoo ang sasabihin ko. Ngunit hindi ko ito gagawin, sapagkat ayaw kong mag-isip ang sinuman nang higit tungkol sa akin kaysa kanyang nakita o narinig sa akin. Ngunit upang hindi ako magyabang sa dami ng kamangha-manghang mga bagay na nasaksihan ko, ako'y binigyan ng pahirap sa aking katawan na nagsisilbing sugo ni Satanas upang pahirapan ako, at nang sa gayo'y hindi ako maging palalo. Tatlong beses kong idinalangin sa Panginoon na alisin ito, ngunit ganito ang kanyang sagot, “Ang kagandahang-loob ko ay sapat na para sa iyo, sapagkat lubusang nahahayag ang aking kapangyarihan kapag ikaw ay mahina.” Kaya't buong galak kong ipagmamalaki ang aking mga kahinaan upang manatili sa akin ang kapangyarihan ni Cristo. Alang-alang kay Cristo, ako'y may kasiyahan sa gitna ng mga kahinaan, mga pagkutya, mga kahirapan, pag-uusig at kagipitan. Sapagkat kapag ako ay mahina, doon ako nagiging malakas. Ako'y naging hangal, ngunit kayo ang nagtulak sa akin na magkaganoon. Kayo sana ang dapat pumuri sa akin, dahil kahit na wala akong kuwenta, hindi naman ako nahúhulí sa magagaling na apostol na iyan. Buong tiyaga kong pinatotohanan sa inyo na ako'y isang tunay na apostol sa pamamagitan ng mga himala at iba pang mga kamangha-manghang bagay. Paano nakalamang sa inyo ang ibang mga iglesya? Sila'y nakalamang dahil hindi ako naging pabigat sa inyo. Ipagpatawad ninyo ang pagkukulang kong iyon. Ito ang ikatlong pagpunta ko riyan, at hindi pa rin ako magiging pabigat sa inyo. Sapagkat kayo ang nais ko, at hindi kung anong mayroon kayo. Ang mga magulang ang dapat mag-impok para sa mga anak, at hindi ang mga anak para sa mga magulang. At ikaliligaya kong gugulin ang lahat pati ang aking sarili upang kayo'y mabuhay. Kung madagdagan ang pagmamahal ko sa inyo, dapat bang mabawasan ang pagmamahal ninyo sa akin? Alam ninyong hindi ako nakabigat kaninuman sa inyo. Subalit sinasabi ng ilan na ako'y tuso at dinadaya ko kayo. Bakit? Pinagsamantalahan ko ba ang inyong kabutihan sa pamamagitan ng mga isinugo ko riyan? Pinakiusapan ko si Tito na pumunta riyan at pinasama ko sa kanya ang isang kapatid. Si Tito ba'y nagsamantala sa inyo? Hindi ba't namuhay kami ayon sa iisang espiritu, at iisa ang aming pamamaraan? Akala ba ninyo'y ipinagtatanggol namin ang aming sarili? Hindi! Mga minamahal, lahat ng ginagawa namin ay para sa ikabubuti ninyo. Nagsasalita kami sa harapan ng Diyos ayon sa kalooban ni Cristo. Nangangamba akong baka pagpunta ko riyan ay may makita ako sa inyong hindi ko magustuhan, at kayo naman ay may makita sa aking hindi ninyo magustuhan. Baka ang matagpuan ko'y pag-aaway-away, pag-iinggitan, pag-aalitan, pagmamaramot, pagsisiraan, pagtsitsismisan, pagmamataas at kaguluhan. Nangangamba ako na pagpunta kong muli riyan, hiyain ako ng aking Diyos sa harapan ninyo, at itatangis ko ang karumihan, pakikiapid at kahalayang hindi pa pinagsisihan at tinatalikuran ng marami sa inyo. Ito ang ikatlong pagpunta ko riyan. “Ang anumang sumbong ay kailangang patunayan ng dalawa o tatlong saksi.” Ngayong ako'y wala riyan, inuulit ko sa mga nagkasala, at sa iba pa, ang sinabi ko noong pangalawang dalaw ko; hindi ako mag-aatubiling parusahan sila pagdating ko riyan. Gagawin ko ito upang patunayan sa inyong si Cristo ay nagsasalita sa pamamagitan ko. Hindi siya mahina sa pakikitungo sa inyo, kundi makapangyarihan. Kahit na siya'y mahina nang ipako sa krus, nabubuhay siya ngayon sa kapangyarihan ng Diyos. Dahil sa pakikipag-isa namin sa kanya, kami'y mahina rin, ngunit sa pakikitungo sa inyo, kami ay nabubuhay na kasama niya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Subukin ninyo ang inyong mga sarili kung kayo'y namumuhay ayon sa pananampalataya. Suriin ninyo ang inyong sarili. Hindi ba ninyo nalalamang nasa inyo si Cristo Jesus? Maliban na lang kung kayo'y mga bigo sa pagsubok. Umaasa akong makikita rin ninyo na hindi kami bigo. Idinadalangin namin sa Diyos na sana'y huwag kayong gumawa ng masama, hindi upang palabasing kami'y tama, kundi upang magawa ninyo ang mabuti, kahit lumitaw na kami'y nabigo. Sapagkat para sa katotohanan lamang ang maaari naming gawin at hindi laban sa katotohanan. Kami'y nagagalak kapag kami ay mahina at kayo naman ay malakas. Kaya't idinadalangin naming kayo'y maging ganap. Isinusulat ko ang mga bagay na ito habang ako'y wala pa riyan upang sa aking pagdating, hindi na kailangan pang magpakita ako ng bagsik sa paggamit ng kapangyarihang ibinigay sa akin ng Panginoon. Ang kapangyarihang ito'y ibinigay sa akin upang kayo'y tumibay at hindi upang kayo'y masira. Mga kapatid, paalam na sa inyo. Sikapin ninyong maging ganap at sundin ninyo ang mga payo ko; magkaisa na kayo, at mamuhay nang payapa. Sa gayon, sasainyo ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan. Magbatian kayo bilang magkakapatid na nagmamahalan. Kinukumusta kayo ng lahat ng mga kabilang sa sambayanan ng Diyos. Nawa'y sumainyong lahat ang kagandahang-loob ng Panginoong Jesu-Cristo, at ang pag-ibig ng Diyos, at ang pakikisama ng Espiritu Santo. Mula kay Pablo na hinirang na apostol, hindi ng tao o sa pamamagitan ng tao, kundi ni Jesu-Cristo at ng Diyos Ama na muling bumuhay kay Jesus, at mula sa lahat ng mga kapatid na kasama ko, pagbati sa mga iglesya sa Galacia: Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaang mula sa Diyos Ama at sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Inialay ni Jesu-Cristo ang kanyang sarili para sa ating kasalanan ayon sa kalooban ng ating Diyos Ama upang mahango tayo sa kasamaang naghahari ngayon sa sanlibutang ito. Purihin ang Diyos magpakailanman! Amen. Nagtataka ako kung bakit kay dali ninyong tumalikod sa Diyos na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng kagandahang-loob ni Cristo at kayo'y bumaling agad sa ibang magandang balita. Ang totoo'y wala namang ibang magandang balita; kaya nga lamang, may mga nanggugulo sa inyo at nagsisikap na baguhin ang Magandang Balita ni Cristo. Subalit kahit kami o isang anghel mula sa langit ang mangaral sa inyo ng Magandang Balita na iba sa ipinangaral namin sa inyo, parusahan nawa siya ng Diyos! Sinabi na namin ito sa inyo, at inuulit ko ngayon, parusahan nawa ng Diyos ang sinumang mangaral sa inyo ng Magandang Balita na naiiba kaysa tinanggap na ninyo. Bakit ko sinasabi ito, dahil ba sa nais kong mapuri ng tao? Hindi! Ang papuri lamang ng Diyos ang tangi kong hinahangad. Sinisikap ko bang magbigay-lugod sa tao? Hindi! Kung iyan ang talagang hangad ko, hindi na sana ako naging alipin ni Cristo. Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ang Magandang Balitang ipinangaral ko'y hindi katha ng tao. Hindi ko ito tinanggap mula sa tao, at hindi rin itinuro sa akin ng sinumang tao. Si Jesu-Cristo mismo ang naghayag nito sa akin. Hindi kaila sa inyo kung paano ako namuhay noon bilang kaanib ng relihiyon ng mga Judio. Walang awa kong inusig ang iglesya ng Diyos at sinikap na ito'y wasakin. Sa relihiyon ng mga Judio, nahigitan ko ang maraming kasing-edad ko at ako'y lubhang masugid sa kaugalian ng aming mga ninuno. Ngunit dahil sa kagandahang-loob ng Diyos, pinili niya ako bago pa ako ipanganak at tinawag upang maglingkod sa kanya. Nang minabuti niyang ihayag sa akin ang kanyang Anak upang maipangaral ko siya sa mga Hentil, hindi ako sumangguni sa sinumang tao. Ni hindi rin ako nagpunta sa Jerusalem upang makipagkita sa mga apostol na nauna sa akin; sa halip, nagpunta ako sa Arabia, at pagkatapos ay bumalik ako sa Damasco. Pagkaraan ng tatlong taon, pumunta ako sa Jerusalem upang makipag-usap kay Pedro, at labinlimang araw kaming nagkasama. Wala akong nakitang iba pang apostol maliban kay Santiago na kapatid ng Panginoon. Totoong lahat ang isinusulat ko sa inyo. Alam ng Diyos na hindi ako nagsisinungaling. Pagkatapos, pumunta ako sa ilang lugar sa Siria at sa Cilicia. Hindi pa ako kilala noon ng mga mananampalataya kay Cristo na nasa Judea. Nakarating lamang sa kanila ang ganitong balita, “Ang dating umuusig sa atin ay nangangaral na ngayon ng pananampalatayang dati'y sinikap niyang wasakin.” Kaya't nagpuri sila sa Diyos dahil sa akin. Makalipas ang labing-apat na taon, muli akong pumunta sa Jerusalem kasama si Bernabe. Isinama ko rin si Tito. Bumalik ako sapagkat inihayag sa akin ng Diyos na dapat akong pumunta doon. Nakipagpulong ako nang sarilinan sa mga kinikilalang pinuno ng iglesya, at inilahad ko sa kanila ang Magandang Balitang ipinapangaral ko sa mga Hentil. Ginawa ko ito dahil ayaw kong mawalan ng kabuluhan ang aking ginawa at ginagawa pa. Kahit na isang Griego ang kasama kong si Tito, hindi nila pinilit na magpatuli ito kahit may ilang huwad na kapatid na nagtangka ng gayon. Nakihalubilo sila sa amin upang manmanan ang kalayaang taglay natin kay Cristo Jesus. Nais nila kaming maging mga alipin. Hindi kami nagpailalim sa kanilang kagustuhan kahit isang saglit, upang maingatan namin para sa inyo ang tunay na kahulugan ng Magandang Balita. Ngunit walang idinagdag sa akin ang mga kinikilalang pinuno; hindi mahalaga sa akin kung sino man sila, sapagkat walang itinatangi ang Diyos. Sa halip, kinilala nila na ipinagkatiwala sa akin ang pangangaral ng Magandang Balita sa mga Hentil, kung paanong ipinagkatiwala kay Pedro ang pangangaral ng Magandang Balita sa mga Judio. Ang Diyos na nagbigay ng kapangyarihan kay Pedro na mangaral sa mga Judio ang siya ring nagbigay sa akin ng kapangyarihang mangaral sa mga Hentil. Nakita nina Santiago, Pedro at Juan, na mga kinikilalang haligi ng iglesya, ang kagandahang-loob na ibinigay sa akin, kaya't kami ni Bernabe ay buong puso nilang tinanggap bilang mga kamanggagawa. Pinagkasunduan namin na kami'y sa mga Hentil mangangaral at sila nama'y sa mga Judio. Ang hiling lamang nila ay huwag naming kakaligtaan ang mga dukha, na siya namang masikap kong ginagawa. Subalit nang dumating si Pedro sa Antioquia, harap-harapan ko siyang sinaway sapagkat maling-mali ang kanyang ginagawa. Dahil bago dumating ang ilang sugo ni Santiago, siya'y nakikisalo sa mga Hentil. Subalit nang dumating na ang mga iyon, lumayo na siya at hindi na nakisalo sa mga Hentil dahil sa takot niya sa pangkat na nagnanais na tuliin din ang mga Hentil. At gumaya naman sa kanya ang ibang mga kapatid doon na mga Judio; pati si Bernabe ay natangay ng kanilang pagkukunwari. Nang makita kong ang kanilang ikinikilos ay hindi ayon sa tunay na diwa ng Magandang Balita, sinabi ko kay Pedro sa harap nilang lahat, “Kung ikaw na isang Judio ay namumuhay na parang Hentil at hindi bilang Judio, bakit mo ngayon pinipilit ang mga Hentil na mamuhay gaya ng mga Judio?” Kami nga'y ipinanganak na Judio at hindi makasalanang Hentil. Gayunman, alam naming ang tao'y pinapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo, at hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Kaya't kami ay sumampalataya kay Cristo Jesus upang mapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya sa kanya, at hindi sa pamamagitan ng Kautusan. Sapagkat walang taong pinapawalang-sala sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan. Ngunit kung sa pagsisikap naming mapawalang-sala sa pamamagitan ni Cristo ay matagpuan kaming makasalanan pa, nangangahulugan bang si Cristo ay tagapagtaguyod ng kasalanan? Hinding-hindi! Ngunit kung itinatayo kong muli ang winasak ko na, ipinapakita kong makasalanan nga ako. Ako'y namatay na sa Kautusan sa pamamagitan rin ng Kautusan upang ngayo'y mabuhay para sa Diyos. Ako'y kasama ni Cristo na ipinako sa krus. Kaya hindi na ako ang nabubuhay ngayon kundi si Cristo na ang nabubuhay sa akin. At ang buhay ko ngayon sa katawan ay ikinabubuhay ko sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Diyos na nagmahal sa akin at naghandog ng kanyang sarili para sa akin. Hindi ko tinatanggihan ang kagandahang-loob ng Diyos. Kung ang tao'y mapapawalang-sala sa pamamagitan ng Kautusan, walang kabuluhan ang pagkamatay ni Cristo! Mga hangal kayong mga taga-Galacia! Sino ang nakagayuma sa inyo? Sa harap mismo ng inyong mga mata ay ipinakita ang pagkamatay ni Jesu-Cristo sa krus! Sabihin nga ninyo, tinanggap ba ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng mga gawa ayon sa Kautusan o sa pamamagitan ng inyong pananalig sa inyong narinig tungkol kay Cristo? Talagang napakahangal ninyo! Nagsimula na kayo sa Espiritu, at ngayo'y nais ninyong magtapos sa pamamagitan ng inyong sariling kapangyarihan! Wala na bang halaga sa inyo ang mga naranasan ninyo? Marahil naman ay mayroon. Dahil ba sa pagsunod ninyo sa kautusan ay ipinagkakaloob ng Diyos ang Espiritu sa inyo at gumagawa kayo ng mga himala, o dahil sa pananampalataya na inyong narinig tungkol kay Cristo? Tulad ng nangyari kay Abraham, “Sumampalataya siya sa Diyos, at dahil dito, siya'y itinuring ng Diyos na matuwid.” Kung gayon, maliwanag na ang mga nananalig sa Diyos ang mga tunay na anak ni Abraham. Bago pa ito nangyari ay ipinahayag na ng kasulatan na pawawalang-sala ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang Magandang Balitang ito ay ipinahayag na kay Abraham, “Sa pamamagitan mo'y pagpapalain ang lahat ng bansa.” Kaya naman pagpapalain ang mga sumasampalataya tulad ni Abraham na sumampalataya. Ang lahat ng nagtitiwala sa pagsunod sa Kautusan ay nasa ilalim ng isang sumpa. Sapagkat nasusulat, “Sumpain ang hindi sumusunod sa lahat ng nakasulat sa aklat ng Kautusan.” Malinaw na walang taong pinapawalang-sala sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng Kautusan, sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang itinuring ng Diyos na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay.” Ang Kautusan ay hindi nakabatay sa pananampalataya, sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang tumutupad sa lahat ng itinatakda ng Kautusan ay mabubuhay sa pamamagitan ng mga ito.” Tinubos tayo ni Cristo mula sa sumpa ng Kautusan nang siya ay isinumpa para sa atin, sapagkat nasusulat, “Isinumpa ang bawat binibitay sa punongkahoy.” Ginawa ito ni Cristo upang ang mga pagpapalang ipinangako ng Diyos kay Abraham ay makamtan din ng mga Hentil sa pamamagitan ni Cristo Jesus at sa pamamagitan ng pananalig ay matanggap natin ang Espiritung ipinangako ng Diyos. Mga kapatid, narito ang isang pangkaraniwang halimbawa. Kapag nalagdaan na ang isang kasunduan, hindi na ito mapapawalang-saysay ni madaragdagan. Ngayon, nangako ang Diyos kay Abraham at sa kanyang supling. Hindi sinasabi, “At sa kanyang mga supling,” na ang tinutukoy ay marami kundi, “At sa iyong supling,” na iisa ang tinutukoy at ito'y si Cristo. Ito ang ibig kong sabihin, pinagtibay ng Diyos ang isang kasunduan at ipinangako niyang tutuparin ito. Ang kasunduang iyon at ang mga pangako ng Diyos ay hindi mapapawalang-saysay ng Kautusan na dumating pagkaraan ng apat na raan at tatlumpung taon. Kung ang pamana ay ipinagkakaloob dahil sa Kautusan, hindi na ito dahil sa pangako. Ngunit ang pamana ay ibinigay ng Diyos kay Abraham bilang katuparan ng kanyang pangako. Kung ganoon, ano ang silbi ng Kautusan? Idinagdag ito upang maipakita kung ano ang paglabag, at may bisa ito hanggang sa dumating ang anak na pinangakuan. Ibinigay ang Kautusan sa pamamagitan ng mga anghel, sa tulong ng isang tagapamagitan. Kapag may tagapamagitan, nangangahulugang higit sa isang panig ang gumagawa ng kasunduan—subalit ang Diyos ay iisa. Ang ibig bang sabihin nito'y salungat ang Kautusan sa mga pangako [ng Diyos]? Hinding-hindi! Kung ang kautusang ibinigay ay nakapagbibigay-buhay, ang tao'y magiging matuwid sa paningin ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod niya sa Kautusan. Ngunit ayon sa kasulatan, ang lahat ng tao'y alipin ng kasalanan, kaya't ang ipinangako ng Diyos ay matatanggap sa pamamagitan ng pananalig kay Jesu-Cristo na ibinibigay sa lahat ng sumasampalataya. Bago dumating ang panahon ng pananampalataya, tayo'y nakakulong sa Kautusan hanggang sa ang pananampalatayang ito kay Cristo ay mahayag. Kaya't ang Kautusan ang naging taga-disiplina natin hanggang sa dumating si Cristo upang tayo'y maituring na matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya. Ngayong dumating na ang panahon ng pananampalataya, wala na tayo sa ilalim ng taga-disiplina. Dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus, kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. Si Cristo mismo ang inyong isinuot na parang damit nang kayo'y nabautismuhan sa inyong pakikipag-isa sa kanya. Wala nang pagkakaiba ang Judio at ang Griego, ang alipin at ang malaya, ang lalaki at ang babae. Kayong lahat ay iisa na dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. At kung kayo'y kay Cristo, kayo'y mga anak ni Abraham at tagapagmana ng mga pangako ng Diyos. Ito ang ibig kong sabihin: habang bata pa ang tagapagmana, hindi siya nakakahigit sa isang alipin kahit na siya ang may-ari ng lahat. Sa halip, siya'y nasa ilalim pa ng mga tagapangasiwa at mga katiwala hanggang sa panahong itinakda ng kanyang ama. Gayundin naman, tayo noon ay nasa ilalim ng mga tuntuning umiiral sa sanlibutang ito hanggang sa tayo'y dumating sa hustong gulang. Ngunit nang sumapit ang tamang panahon, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak na isinilang ng isang babae at namuhay sa ilalim ng Kautusan upang palayain ang mga nasa ilalim ng Kautusan. Sa gayon, tayo'y maituturing na mga anak ng Diyos. At dahil kayo'y mga anak ng Diyos, isinugo niya ang Espiritu ng kanyang Anak sa ating mga puso, na tumatawag sa Diyos ng “Ama, Ama ko!” Ginawa na kayo ng Diyos na mga anak at hindi na mga alipin, at kung gayon kayo'y mga tagapagmana niya. Noong hindi pa ninyo nakikilala ang Diyos, kayo'y alipin ng mga bagay na hindi totoong mga diyos. Ngunit ngayong nakikilala na ninyo ang Diyos, o mas tamang sabihin, ngayong nakikilala na kayo ng Diyos, bakit kayo bumabalik sa mga tuntuning walang bisa at walang halaga? Bakit gusto na naman ninyong paalipin sa mga iyon? May itinatangi kayong mga araw, mga buwan, mga panahon at mga taon! Nangangamba akong baka nasayang lamang ang pagpapagal ko para sa inyo. Nakikiusap ako sa inyo mga kapatid, tularan ninyo ako, sapagkat ako'y naging katulad na ninyo. Wala kayong ginawang masama sa akin. Alam naman ninyong ang pagkakasakit ko noon ang naging dahilan kaya ko ipinangaral sa inyo ang Magandang Balita. Gayunman, hindi ninyo ako itinakwil o hinamak, kahit na naging pagsubok sa inyo ang aking karamdaman. Sa halip, tinanggap ninyo ako na parang anghel ng Diyos, at para pa ngang si Cristo Jesus! Nasaan na ngayon ang kasiyahang iyon? Ako mismo ang makakapagpatotoo na kung maaari nga lamang pati ang inyong mga mata'y dudukitin ninyo at ibibigay sa akin noon. Ngayon, ituturing ba ninyo akong kaaway dahil sa sinasabi ko sa inyo ang katotohanan? Pinapahalagahan nga kayo ng mga taong iyan, ngunit hindi mabuti ang kanilang layunin. Nais lamang nila kayong ilayo sa akin upang sila ang inyong pahalagahan. Hindi masama ang magpahalaga, kung mabuti ang layunin at hindi kung kaharap lamang ninyo ako! Mga anak ko, dahil sa inyo'y minsan pa akong nagdaranas ng hirap tulad ng babaing nanganganak, hanggang sa ganap na mabuo si Cristo sa inyo. Sana'y kasama ko kayo ngayon upang maiba ang tono ng aking pagsasalita sapagkat gulung-gulo ang isip ko tungkol sa inyo. Sabihin nga ninyo sa akin, kayong nagnanais mapasailalim ng Kautusan, hindi ba ninyo naririnig ang sinasabi ng Kautusan? Sinasabi roon na si Abraham ay nagkaanak ng dalawang lalaki, isa sa aliping babae at isa sa malayang babae. Ang anak niya sa aliping babae ay ipinanganak ayon sa kagustuhan ng tao, ngunit ang anak niya sa malayang babae ay ipinanganak bilang katuparan ng pangako ng Diyos. Ito'y isang paghahambing. Ang dalawang babae ay larawan ng dalawang kasunduan, ang isa ay ang tipan sa Bundok ng Sinai na kinakatawan ni Hagar at ng kanyang mga anak, na pawang mga alipin. Si Hagar ay kumakatawan sa Bundok ng Sinai na nasa Arabia, at larawan ng kasalukuyang Jerusalem sapagkat siya'y nasa pagkaalipin, kasama ng kanyang mga mamamayan. Ngunit ang Jerusalem na nasa langit ay malaya, at siya ang ating ina. Ayon sa nasusulat, “Magsaya ka, O babaing hindi magkaanak! Humiyaw ka sa galak, ikaw na hindi pa nakaranas ng hirap sa panganganak! Sapagkat higit na marami ang anak ng babaing nangungulila kaysa babaing may asawa.” Mga kapatid, tulad ni Isaac, tayo'y mga anak ayon sa pangako. Kung noong una, ang ipinanganak ayon sa Espiritu ay inuusig ng ipinanganak ayon sa kagustuhan ng tao, gayundin naman ngayon. Ngunit ganito ang sinasabi ng kasulatan, “Palayasin mo ang babaing alipin at ang kanyang anak, sapagkat ang anak ng alipin ay hindi dapat makibahagi sa mana ng anak ng malaya.” Kaya nga, mga kapatid, hindi tayo anak ng alipin kundi ng malaya. Malaya na tayo dahil pinalaya tayo ni Cristo. Kaya magpakatatag kayo at huwag nang paalipin pang muli! Akong si Pablo ang nagsasabi sa inyo, kapag nagpatuli kayo, binabaliwala ninyo si Cristo. Binabalaan ko ang lahat ng taong nagpapatuli, tungkulin nilang sumunod sa buong Kautusan. Kayong nagsisikap na maging matuwid sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan, inihiwalay ninyo ang inyong sarili kay Cristo at napalayo kayo sa kagandahang-loob ng Diyos. Kami'y umaasa na magiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito'y sa kapangyarihan ng Espiritu. Sa mga nakipag-isa na kay Cristo Jesus, hindi na mahalaga kung ang isang tao ay tuli o hindi. Ang mahalaga'y ang pananampalatayang gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig. Maganda na sana ang inyong pagtakbo. Sino ang humarang sa inyong pagsunod sa katotohanan? Hindi kayo hihikayatin ng ganyan ng Diyos na tumawag sa inyo. Ang sabi nga, “Napapaalsa ng kaunting pampaalsa ang buong masa ng harina.” Naniniwala akong sasang-ayon kayo sa akin sa bagay na ito, dahil sa ating kaugnayan sa Panginoon. At natitiyak kong paparusahan ng Diyos ang sinumang nanggugulo sa inyo. Mga kapatid, kung talagang nangangaral pa ako na kailangan ang pagtutuli, bakit pa ako inuusig hanggang ngayon? Kung iyo'y totoo, hindi na sana nila ikinagagalit ang aking pangangaral tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus. At ang mga nanggugulo sa inyo ay huwag lamang patuli kundi tuluyan na nilang putulan ang sarili nila. Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya. Ngunit huwag naman ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang masunod ang hilig ng laman, kundi maglingkod kayo sa isa't isa sa diwa ng pag-ibig. Sapagkat ang buong Kautusan ay nauuwi sa isang pangungusap, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” Ngunit kung kayo'y nagkakagatan at nagsasakmalang parang mga hayop, mag-ingat kayo at baka tuluyan ninyong sirain ang isa't isa. Sinasabi ko sa inyo, mamuhay kayo ayon sa Espiritu at hindi ninyo pagbibigyan ang mga pagnanasa ng laman. Sapagkat ang mga pagnanasa ng laman ay laban sa kagustuhan ng Espiritu, at ang kagustuhan ng Espiritu ay laban sa mga pagnanasa ng laman. Magkalaban ang dalawang ito kaya napipigilan kayo sa paggawa ng nais ninyong gawin. Kung pinapatnubayan kayo ng Espiritu, wala na kayo sa ilalim ng Kautusan. Hindi maikakaila ang mga gawa ng laman: pakikiapid, kahalayan at kalaswaan; pagsamba sa diyus-diyosan, pangkukulam, pagkapoot, pag-aaway-away, pagseselos, pagkakagalit at kasakiman, pagkakampi-kampi at pagkakabaha-bahagi, pagkainggit, [pagpatay] paglalasing, walang habas na pagsasaya, at iba pang katulad nito. Muli ko kayong binabalaan: ang gumagawa ng mga ito ay hindi magkakaroon ng bahagi sa kaharian ng Diyos. Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kabaitan, kabutihan, katapatan, kahinahunan, at pagpipigil sa sarili. Walang batas laban sa mga ganito. At ipinako na sa krus ng mga nakipag-isa kay Cristo Jesus ang kanilang laman at ang masasamang hilig nito. Kung binigyan tayo ng buhay ng Espiritu, mamuhay rin tayo ayon sa Espiritu. Huwag tayong maging palalo, huwag nating galitin ang isa't isa, at huwag rin tayong mainggit sa isa't isa. Mga kapatid, kung may isa sa inyo na mahulog sa pagkakasala, kayong pinapatnubayan ng Espiritu ang magtuwid sa kanya. Subalit gawin ninyo iyon nang mahinahon, at mag-ingat kayo, baka kayo naman ang matukso. Magtulungan kayo sa pagbuhat ng pasanin ng bawat isa. Sa gayong paraan ay matutupad ninyo ang kautusan ni Cristo. Kung inaakala ninyong kayo'y nakakahigit sa iba, subalit hindi naman, dinadaya ninyo ang inyong sarili. Suriin ng bawat isa ang kanyang gawa. Sa gayon, ang kanyang kagalakan ay nakabatay sa kanyang gawa. Huwag na niyang ihambing pa iyon sa gawa ng iba, sapagkat ang bawat isa ay dapat magdala ng kanyang sariling dalahin. Ang mga tinuturuan ng salita ng Diyos ay dapat magbahagi ng lahat ng magagandang bagay sa mga nagtuturo. Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili; hindi maaaring tuyain ang Diyos. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin. Ang nagtatanim para sa sarili niyang laman ay aani ng pagkabulok mula sa laman. Ngunit ang nagtatanim para sa Espiritu ay aani ng buhay na walang hanggan. Kaya't huwag tayong mapagod sa paggawa ng mabuti sapagkat pagdating ng takdang panahon tayo ay aani kung hindi tayo susuko. Kaya nga, basta may pagkakataon ay gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya. Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang mga titik na ginagamit ko sa pagsulat sa inyo sa pamamagitan ng sarili kong kamay. Gusto lamang ng mga namimilit sa inyo na kayo'y magpatuli na makita silang gumagawa ng magagandang bagay. Ginagawa nila iyon upang huwag silang usigin dahil sa krus ni Cristo. Kahit na silang mga tuli ay hindi naman tumutupad sa Kautusan; nais lamang nilang patuli kayo upang maipagmalaki nila na kayo man ay tumupad sa tuntuning iyon. Huwag nawang mangyari sa akin na ipagmalaki ko ang anumang bagay bukod sa krus ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sapagkat sa pamamagitan nito, ang mundong ito'y patay na para sa akin, at ako nama'y patay na rin sa mundo. Hindi mahalaga kung tuli man o hindi ang isang tao. Ang mahalaga ay kung siya ay bago nang nilalang. Manatili nawa ang kapayapaan at habag ng Diyos sa lahat ng namumuhay ayon sa tuntuning ito, at sa buong bayan ng Diyos. Kaya mula ngayon, huwag nang dagdagan ninuman ang aking mga paghihirap, sapagkat ipinapakita ng mga pilat sa aking katawan na ako'y lingkod ni Jesus. Mga kapatid, sumainyo nawang lahat ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen. Mula kay Pablo, na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos, Para sa mga hinirang ng Diyos [na nasa Efeso] at tapat na sumasampalataya kay Cristo Jesus: Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal na nagmumula sa langit dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo. Bago pa likhain ang sanlibutan ay pinili na niya tayo upang maging kanya sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo at upang tayo'y maging banal at walang kapintasan sa harap niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, pinili niya tayo upang maging anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa kanyang layunin at kalooban. Sa gayon ay purihin ang kaluwalhatian ng kanyang kagandahang-loob na sagana niyang ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak! Tinubos tayo ni Cristo sa pamamagitan ng kanyang dugo at pinatawad ang ating mga kasalanan. Ganoon kasagana ang kanyang kagandahang-loob na ibinuhos niya sa atin. Ayon sa kanyang karunungan at kaalaman, ipinaunawa sa atin ng Diyos ang hiwaga ng kanyang kalooban ayon sa kanyang layunin na isasakatuparan sa pamamagitan ni Cristo pagdating ng takdang panahon. Layunin niyang tipunin ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa, at ipasailalim ang mga ito kay Cristo. Kami ay pinili ng Diyos mula pa sa simula na maging kanya sa pamamagitan ni Cristo, ayon sa kanyang plano. Ang Diyos ang gumagawa sa lahat ng bagay ayon sa layunin ng kanyang kalooban. Kaming mga unang umasa sa kanya ay pinili niya at hinirang upang parangalan ang kanyang kaluwalhatian. Sa pamamagitan ni Cristo, kayo rin na nakarinig ng salita ng katotohanan, ng Magandang Balita na nagdudulot ng kaligtasan, at sumampalataya sa kanya, ay pinagkalooban ng ipinangakong Espiritu Santo bilang tatak ng pagkahirang sa inyo. Ang Espiritu ang katibayan na makakamit natin nang lubos ang lahat ng pangako ng Diyos sa atin, at sa gayon ay pupurihin ang kanyang kaluwalhatian. Kaya nga, mula nang mabalitaan ko ang tungkol sa inyong pananalig sa Panginoong Jesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng kanyang mga banal, walang tigil ang pasasalamat ko sa Diyos para sa inyo. Hindi ko nakakalimutang ipanalangin kayo. Idinadalangin ko sa Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang maluwalhating Ama, na pagkalooban niya kayo ng espiritu ng karunungan at pagpapahayag tungkol sa Diyos upang lubos ninyo siyang makilala. Nawa'y liwanagan ng Diyos ang inyong mga puso upang malaman ninyo ang pag-asa na para doon ay tinawag niya kayo, kung gaano kasagana ang pagpapalang inilaan niya para sa kanyang mga banal, at kung ano ang di-masukat niyang kapangyarihan na kumikilos sa atin na mga nananalig sa kanya. Ang dakilang kapangyarihan ding iyon ang muling bumuhay kay Cristo at nag-upo sa kanya sa kanan ng Diyos sa kalangitan. Mula roon ay namumuno si Cristo sa lahat ng paghahari, kapamahalaan, kapangyarihan, at pamunuan sa kalangitan. Higit na dakila ang kanyang pangalan kaysa sa lahat, hindi lamang sa panahong ito kundi maging sa darating. Ipinailalim ng Diyos sa paa ni Cristo ang lahat ng bagay, at ginawa siyang ulo ng lahat ng bagay para sa iglesya, na siyang katawan ni Cristo, ang kapuspusan niya na pumupuno sa lahat ng bagay. Noong una'y patay kayo dahil sa inyong mga pagsuway at mga kasalanan. Sinusunod ninyo noon ang masamang takbo ng mundong ito, at napailalim kayo sa pinuno ng mga kapangyarihan sa himpapawid, ang espiritung naghahari sa mga taong ayaw pasakop sa Diyos. Ang totoo, tayong lahat ay dati ring namumuhay ayon sa pagnanasa ng ating laman, at sumusunod sa mga hilig ng katawan at pag-iisip. Kaya't sa ating likas na kalagayan, kabilang tayo sa mga taong kinapopootan ng Diyos. Subalit napakasagana ng habag ng Diyos at napakadakila ng pag-ibig niya sa atin. Tayo'y binuhay niyang kasama ni Cristo noong tayo'y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang-loob. Dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus, tayo'y muling binuhay na kasama niya upang mamunong kasama niya sa kalangitan. Ginawa niya ito upang sa darating na mga panahon ay maipakita niya ang di-masukat na kasaganaan ng kanyang kagandahang-loob, sa kabutihan niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Sapagkat dahil sa kagandahang-loob ng Diyos kayo ay naligtas sa pamamagitan ng pananampalataya; at ito'y kaloob ng Diyos at hindi mula sa inyong sarili; hindi ito bunga ng inyong mga gawa kaya't walang maipagmamalaki ang sinuman. Kung ano tayo ngayon ay gawa ng Diyos, at sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus ay nilikha niya tayo para sa mabubuting gawa na inihanda niya noong una pa man upang gawin natin. Kaya't alalahanin ninyo ang dati ninyong kalagayan. Kayo'y ipinanganak na mga Hentil, at “di-tuli” ang tawag sa inyo ng mga Judio. Ang mga Judio naman ay tinatawag na mga “tuli” dahil sa ginagawa sa kanilang katawan. Noong panahong iyon, hiwalay kayo kay Cristo, hindi kabilang sa bayang Israel, at hindi saklaw ng tipan na nababatay sa mga pangako ng Diyos. Noo'y nabubuhay kayo sa mundo nang walang pag-asa at walang Diyos. Ngunit ngayon, dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus, kayo na dati'y malayo ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo. Sapagkat si Cristo mismo ang nagbigay sa atin ng kapayapaan dahil pinag-isa niya ang mga Judio at ang mga Hentil. Sa pamamagitan ng kanyang katawan, giniba niya ang pader ng alitan na naghihiwalay sa atin. Pinawalang-bisa niya ang Kautusan, kasama ang mga utos at mga alituntunin nito upang mula sa dalawang lahi ay makalikha siya ng isang bagong bayan na nakipag-isa sa kanya at sa gayon ay magkaroon ng kapayapaan. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, winakasan niya ang kanilang alitan, pinagkasundo sila sa Diyos at pinagbuklod sa iisang katawan. Naparito nga si Cristo at ipinangaral niya sa lahat ang Magandang Balita ng kapayapaan, sa inyong mga Hentil na noo'y malalayo, at sa mga Judio na malalapit. Dahil kay Cristo, tayong lahat ay nakakalapit sa Ama sa pamamagitan ng iisang Espiritu. Samakatuwid, hindi na kayo mga dayuhan o taga-ibang bansa, kundi mga kababayan na ng mga hinirang ng Diyos at kabilang sa kanyang sambahayan. Tulad ng isang gusali, kayo'y itinayo sa pundasyong inilagay ng mga apostol at mga propeta, na ang batong panulukan ay si Cristo Jesus. Sa pamamagitan niya, ang bawat bahagi ng gusali ay nagkakaugnay-ugnay at nagiging isang templo na nakatalaga sa Panginoon. Dahil din sa inyong pakikipag-isa sa kanya, kayo man ay sama-samang itinatayo bilang tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu. Dahil dito, akong si Pablo ay naging bilanggo para kay Cristo Jesus alang-alang sa inyong mga Hentil. Marahil ay nabalitaan na ninyo na dahil sa kagandahang-loob ng Diyos ay pinagkatiwalaan niya ako ng tungkuling ito para sa inyong ikabubuti. Tulad ng naisulat ko na sa ilang salita, ipinaalam sa akin ng Diyos ang kanyang lihim na panukala. At habang binabasa ninyo ito, malalaman ninyo kung ano ang pagkaunawa ko sa lihim na panukalang isinakatuparan ni Cristo. Ito'y hindi ipinaalam sa mga tao noong mga nakaraang panahon, ngunit inihayag ngayon ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu, sa kanyang mga banal na apostol at mga propeta. At ito ang lihim: sa pamamagitan ng Magandang Balita, ang mga Hentil ay mga tagapagmana rin tulad ng mga Judio, kabilang din sa iisang katawan, at may bahagi sa pangako ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Sa kagandahang-loob ng Diyos, ako'y ginawa niyang lingkod upang ipangaral ang Magandang Balita. Ang tungkuling ito'y ibinigay niya sa akin sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Ako ang pinakahamak sa lahat ng mga pinili ng Diyos. Gayunma'y minarapat niyang ipagkaloob sa akin ang natatanging kagandahang-loob na ito, na ipangaral sa mga Hentil ang Magandang Balita tungkol sa di-masukat na kayamanan ni Cristo, at upang maipaunawa sa lahat kung paano isasagawa ng Diyos ang kanyang lihim na plano. Sa mga nakaraang panahon ay inilihim ito ng Diyos na lumikha ng lahat ng bagay. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng iglesya ay maipakilala ngayon sa mga pinuno at mga maykapangyarihan sa sangkalangitan ang walang hanggang karunungan ng Diyos na nahahayag sa iba't ibang paraan. Ito'y alinsunod sa kanyang layunin bago pa man likhain ang sanlibutan. Tinupad niya ang layuning ito sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon. Dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo at sa pamamagitan ng ating pananalig sa kanya, makakalapit tayo sa Diyos nang may pagtitiwala at panatag ang loob. Kaya't hinihiling ko sa inyo na huwag kayong panghihinaan ng loob dahil sa mga kahirapang tinitiis ko alang-alang sa inyo, sapagkat ito'y para sa inyong ikararangal. Dahil dito, ako'y lumuluhod sa harapan ng Ama, na mula sa kanya'y nagkakaroon ng pangalan ang bawat sambahayan sa langit at sa lupa. Idinadalangin kong sa pamamagitan ng kanyang Espiritu ay palakasin niya ang inyong buhay espirituwal ayon sa kanyang kayamanan at kadakilaan. Nawa'y manatili si Cristo sa inyong mga puso sa pamamagitan ng inyong pananalig. Dalangin ko na ang pag-ibig ang maging ugat at pundasyon sa lahat ng inyong gawain upang inyong lubusang maunawaan, kasama ng mga hinirang ng Diyos, kung gaano kalawak, kahaba, kataas, at kalalim ang kanyang pag-ibig. At nawa'y maunawaan ninyo ang pag-ibig ni Cristo na hindi kayang abutin ng pag-iisip at sa gayo'y mapuspos kayo ng buong katangian ng Diyos. Sa kanya na makakagawa nang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin, sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihang kumikilos sa atin; sa kanya nawa ang kaluwalhatian sa pamamagitan ng iglesya at ni Cristo Jesus sa lahat ng salinlahi magpakailanman! Amen. Kaya't ako, na isang bilanggo dahil sa Panginoon, ay nakikiusap sa inyo na mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga tinawag ng Diyos. Kayo'y maging mapagpakumbaba, mahinahon at matiyaga. Magparaya kayo dahil sa inyong pagmamahal sa isa't isa. Sikapin ninyong mapanatili ang pagkakaisang mula sa Espiritu, sa pamamagitan ng kapayapaang nagbubuklod sa inyo. May iisang katawan at iisang Espiritu, kung paanong may iisang pag-asa na para doon kayo'y tinawag ng Diyos. May iisang Panginoon, iisang pananampalataya at iisang bautismo, iisang Diyos at Ama nating lahat. Siya ay higit sa lahat, kumikilos sa lahat, at nananatili sa lahat. Ang bawat isa sa ati'y nakatanggap ng tanging kaloob, ayon sa sukat na ibinigay ni Cristo. Ganito ang sinasabi ng kasulatan: “Nang umakyat siya sa kalangitan, nagdala siya ng maraming bihag, at nagbigay ng mga kaloob sa mga tao.” Anong ibig sabihin ng “umakyat siya”? Ang ibig sabihin niyan ay bumabâ muna siya sa mga kailalimang bahagi ng lupa. Ang bumabâ ay siya rin namang umakyat sa kaitaasan ng kalangitan upang mapuno ng kanyang presensya ang buong sangnilikha. At binigyan niya ang ilan ng kaloob upang maging mga apostol, ang iba nama'y mga propeta, ang iba'y mga ebanghelista, at ang iba'y mga pastor at mga guro. Ginawa niya ito upang ihanda sa paglilingkod ang lahat ng mga hinirang, upang maging matatag ang katawan ni Cristo, hanggang makarating tayo sa pagkakaisa ng pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Diyos, at maging ganap ang ating pagkatao ayon sa pagiging-ganap ni Cristo. Nang sa gayon, hindi na tayo magiging tulad sa mga batang madaling matangay ng sari-saring aral. Hindi na tayo maililigaw ng mga taong ang hangad ay dalhin tayo sa kamalian sa pamamagitan ng kanilang katusuhan at panlilinlang. Sa halip, sa pamamagitan ng pagsasalita ng katotohanan sa diwa ng pag-ibig, tayo'y dapat maging lubos na katulad ni Cristo na siyang ulo nating lahat. Sa pamamagitan niya, ang buong katawan ay pinag-uugnay-ugnay ng mga kasukasuan na mula rin sa kanya. At kung maayos na gumaganap ng tungkulin ang bawat bahagi, lumalaki ang katawan at pinapatatag nito ang sarili sa pamamagitan ng pag-ibig. Sa pangalan ng Panginoon, binabalaan ko kayo: huwag na kayong mamuhay tulad ng mga hindi sumasampalataya. Walang kabuluhan ang kanilang iniisip, at wala silang pang-unawa. Dahil sa kanilang kamangmangan at katigasan ng ulo, wala silang bahagi sa buhay na kaloob ng Diyos. Sila'y naging alipin ng kahalayan at wala na silang kahihiyan. Wala na silang inaatupag kundi pawang kalaswaan. Hindi ganyan ang natutunan ninyo tungkol kay Cristo. Napakinggan na ninyo ang aral ni Jesus at natutunan na ninyo ang katotohanang nasa kanya. Iwan na ninyo ang dating pamumuhay. Hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao na nasisira dahil sa masasamang pagnanasa. Magbago na kayo ng diwa at pag-iisip; at ang dapat ninyong isuot ay ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, at nahahayag sa matuwid at banal na pamumuhay ayon sa katotohanan. Dahil dito, itakwil na natin ang pagsisinungaling at tayong lahat ay magsabi ng totoo sa isa't isa, sapagkat tayo'y bahagi ng iisang katawan. Kung magagalit man kayo, iwasan ninyo ang kayo'y magkasala. Huwag ninyong hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo. Huwag ninyong bigyan ng pagkakataon ang diyablo. Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw; sa halip, magtrabaho siya nang marangal para sa sariling ikabubuhay at makatulong sa mga nangangailangan. Huwag kayong gumamit ng masasamang salita kundi iyong makapagpapalakas at angkop sa pagkakataon upang makapagdulot ng mabuti sa mga nakakarinig. At huwag ninyong saktan ang kalooban ng Espiritu Santo, sapagkat siya ang tatak ng Diyos sa inyo, ang katibayan na kayo'y tutubusin pagdating ng takdang araw. Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, poot at galit; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait at mananakit ng damdamin ng kapwa. Sa halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo. Yamang kayo'y mga anak na minamahal ng Diyos, tularan ninyo siya. Mamuhay kayo nang may pagmamahal tulad ni Cristo; dahil sa kanyang pagmamahal sa atin, inialay niya ang kanyang buhay bilang mabangong alay at handog sa Diyos. Kayo'y mga hinirang ng Diyos, kaya't hindi dapat mabanggit man lamang na kayo'y nakikiapid o gumagawa ng anumang uri ng kahalayan o pag-iimbot. Huwag din kayong gagamit ng anumang malaswa o walang kabuluhang pananalita at pagbibirong di nararapat. Sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos. Alam ninyong walang bahagi sa kaharian ni Cristo at ng Diyos ang taong nakikiapid, mahalay, o sakim. Ang kasakiman ay isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan. Huwag kayong padaya kaninuman sa pamamagitan ng mga pangangatuwirang walang kabuluhan, sapagkat dahil nga sa mga ito, ang Diyos ay napopoot sa mga suwail. Kaya't huwag kayong makisama sa kanila. Dati, kayo'y nasa kadiliman, ngunit ngayo'y nasa kaliwanagan na, sapagkat kayo'y nasa Panginoon. Mamuhay kayo ngayon nang nararapat sa mga taong nasa liwanag. Sapagkat pawang mabuti, matuwid at totoo ang ginagawa ng namumuhay sa liwanag. Sikapin ninyong matutunan kung ano ang kalugud-lugod sa Panginoon. Huwag kayong makibahagi sa mga gawain ng kadiliman na walang ibinubungang mabuti. Sa halip ay ibunyag ninyo ang mga iyon. Kahiya-hiyang mabanggit man lamang ang mga bagay na iyon na ginagawa nila nang lihim. Ang lahat ng nalalantad sa liwanag ay nakikilala kung ano talaga ang mga iyon, at nalalantad ang lahat dahil sa liwanag. Kaya't sinasabi, “Gumising ka, ikaw na natutulog, bumangon ka mula sa libingan, at liliwanagan ka ni Cristo.” Kaya't mag-ingat kayo kung paano kayo namumuhay. Mamuhay kayong tulad ng matatalino at di tulad ng mga mangmang. Gamitin ninyo nang lubusan para sa mabuti ang bawat pagkakataon, sapagkat puno ng kasamaan ang kasalukuyang panahon. Huwag kayong maging hangal. Sa halip, unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon. Huwag kayong maglalasing, sapagkat sisirain lamang niyan ang inyong buhay. Sa halip ay dapat kayong mapuspos ng Espiritu. Sa inyong pag-uusap gumamit kayo ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal; buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. Lagi kayong magpasalamat sa Diyos na ating Ama dahil sa lahat ng bagay, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Pasakop kayo sa isa't isa bilang tanda ng inyong paggalang kay Cristo. Mga babae, pasakop kayo sa sarili ninyong asawa tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon. Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Cristo na siyang ulo ng iglesya, na kanyang katawan, at siya ang Tagapagligtas nito. Kung paanong nasasakop ni Cristo ang iglesya, gayundin naman, ang mga babae ay dapat pasakop nang lubusan sa kanilang sariling asawa. Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa na gaya ng pagmamahal ni Cristo sa iglesya. Inihandog niya ang kanyang buhay para sa iglesya upang ialay ito sa Diyos, matapos linisin sa pamamagitan ng paghuhugas sa tubig at sa salita. Ginawa niya ito upang ang iglesya ay maiharap niya sa kanyang sarili na nasa kagandahan nito, walang anumang dungis ni kulubot man, banal at walang anumang kapintasan. Gayundin naman, dapat mahalin ng mga lalaki ang kanilang asawa tulad ng sarili nilang katawan. Ang lalaking nagmamahal sa kanyang asawa ay nagmamahal sa kanyang sarili. Walang taong namumuhi sa sarili niyang katawan. Sa halip, ito'y kanyang pinapakain at inaalagaan, tulad ng ginagawa ni Cristo sa iglesya. Tayo nga'y mga bahagi ng kanyang katawan. Gaya ng sinasabi sa kasulatan, “Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama't ina at magsasama sila ng kanyang asawa; at silang dalawa ay magiging isa.” Mayroon ditong malalim na hiwaga, at sinasabi ko na ito'y tumutukoy sa kaugnayan ni Cristo sa iglesya. Subalit ito'y para din sa inyo: kayong mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa gaya ng inyong sarili; mga babae, igalang ninyo ang inyong asawa. Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang, [alang-alang sa Panginoon,] sapagkat ito ang nararapat. “Igalang mo ang iyong ama at ina.” Ito ang unang utos na may kalakip na pangako: “Magiging maganda at mahaba ang iyong buhay sa lupa.” Mga magulang, huwag ninyong ibuyo sa paghihimagsik laban sa inyo ang inyong mga anak. Sa halip, palakihin ninyo sila ayon sa disiplina at aral ng Panginoon. Mga alipin, sundin ninyo ang inyong mga amo dito sa lupa nang may buong katapatan, takot at paggalang, na parang si Cristo ang siya ninyong pinaglilingkuran. Gawin ninyo iyan, may nakakakita man o wala, hindi upang mapuri ng mga tao kundi dahil kayo'y mga lingkod ni Cristo at buong pusong sumusunod sa kalooban ng Diyos. Maglingkod kayo nang masaya ang kalooban na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa tao. Sapagkat alam ninyong gagantimpalaan ng Panginoon ang bawat mabuting gawa ninuman, maging siya man ay alipin o malaya. Mga amo, maging mabait kayo sa inyong mga alipin at huwag silang pagbabantaan. Huwag ninyong kalilimutan na kayo'y parehong alipin ng iisang Panginoon na nasa langit, at pantay ang kanyang pagtingin sa inyo. Bilang pagwawakas, magpakatibay kayo sa kalakasang galing sa Panginoon at sa kanyang dakilang kapangyarihan. Isuot ninyo ang buong kasuotang pandigma na kaloob ng Diyos, upang mapaglabanan ninyo ang mga pakana ng diyablo. Sapagkat hindi tayo nakikipaglaban sa mga tao, kundi sa mga pinuno, sa mga maykapangyarihan, sa mga tagapamahala ng kadilimang umiiral sa sanlibutang ito, sa mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid. Kaya't gamitin ninyo ang kasuotang pandigma na mula sa Diyos. Sa gayon, makakatagal kayo sa pakikipaglaban pagdating ng araw na sumalakay ang masama, upang pagkatapos ng labanan ay matatag pa rin kayong nakatayo. Kaya't maging handa kayo. Ibigkis sa inyong baywang ang sinturon ng katotohanan, at isuot sa dibdib ang baluti ng katuwiran; isuot ninyo ang sapatos ng pagiging handa sa pangangaral ng Magandang Balita ng kapayapaan. Lagi ninyong gawing panangga ang pananampalataya, na siyang papatay sa lahat ng nagliliyab na palaso ng diyablo. Isuot ninyo ang helmet ng kaligtasan, at gamitin ang tabak ng Espiritu, na walang iba kundi ang Salita ng Diyos. Manalangin kayo sa lahat ng pagkakataon, humiling at sumamo sa patnubay ng Espiritu. Lagi kayong maging handa, at patuloy na ipanalangin ang lahat ng hinirang ng Diyos. Ipanalangin din ninyong ako'y pagkalooban ng wastong pananalita upang buong tapang kong maipahayag ang hiwaga ng Magandang Balitang ito. Dahil sa Magandang Balitang ito, ako'y isinugo, at ngayo'y nakabilanggo. Kaya't ipanalangin ninyong maipahayag ko ito nang buong tapang gaya ng nararapat. Si Tiquico, na mahal nating kapatid at tapat na lingkod ng Panginoon, ang magbabalita sa inyo ng lahat ng bagay tungkol sa aking kalagayan at ginagawa. Kaya't isinusugo ko siya sa inyo upang malaman ninyo ang aming kalagayan, at upang palakasin ang inyong loob. Nawa'y ipagkaloob ng Diyos Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo sa lahat ng mga kapatid ang kapayapaan at ang pag-ibig na kalakip ng pananampalataya. Ang kagandahang-loob ng Diyos ay sumainyong lahat na umiibig nang walang maliw sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Mula kina Pablo at Timoteo na mga lingkod ni Cristo Jesus, Para sa mga taga-Filipos na mga hinirang ng Diyos at sumasampalataya kay Cristo Jesus, gayundin sa mga tagapangasiwa at mga tagapaglingkod: Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaan ng Diyos na ating Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo. Nagpapasalamat ako sa aking Diyos tuwing naaalala ko kayo. Ako'y nagagalak tuwing ako'y nananalangin para sa inyong lahat, dahil sa inyong pakikiisa sa pagpapalaganap ng Magandang Balita tungkol kay Cristo, mula nang ito'y inyong tanggapin hanggang sa kasalukuyan. Natitiyak kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa Araw ni Jesu-Cristo. Kayo'y laging nasa aking puso, kaya dapat lang na pahalagahan ko kayo nang ganito. Magkasama tayong tumanggap ng pagpapala ng Diyos, noon pa man nang ako'y malayang nagtatanggol at nagpapalaganap ng Magandang Balita at kahit ngayong ako'y nakabilanggo. Saksi ko ang Diyos na ang pananabik ko sa inyong lahat ay kagaya ng pagmamahal sa inyo ni Jesu-Cristo. Idinadalangin ko sa Diyos na ang inyong pag-ibig ay patuloy na sumagana at masangkapan ng malinaw na kaalaman at pagkaunawa, upang mapili ninyo ang pinakamahalaga sa lahat. Sa gayon, sa Araw ni Cristo ay matagpuan kayong malinis, walang kapintasan, at sagana sa magagandang katangiang kaloob sa inyo ni Jesu-Cristo, sa ikararangal at ikadadakila ng Diyos. Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ang mga nangyari sa akin ay nakatulong nang malaki sa ikalalaganap ng Magandang Balita. Nalaman ng mga bantay sa palasyo at ng iba pang naririto na ako'y nabilanggo dahil sa pagsunod ko kay Cristo. At ang karamihan sa mga kapatid ay lalong tumibay sa kanilang pananalig sa Panginoon dahil sa aking pagkabilanggo. Hindi lamang iyon, lalo pang lumakas ang kanilang loob na ipangaral ang salita ng Diyos. Totoo nga na may ilang nangangaral tungkol kay Cristo dahil sa pagkainggit at pagkahilig sa pakikipagtalo, ngunit mayroon din namang nangangaral nang may tapat na hangarin. Si Cristo'y ipinapangaral nila dahil sa tunay na pagmamahal, sapagkat alam nilang ako'y hinirang upang ipagtanggol ang Magandang Balita. Ngunit ang iba ay nangangaral nang di tapat sa kalooban, kundi dahil sa udyok ng masamang hangarin, sapagkat hangad nilang dagdagan pa ang paghihirap ko sa aking pagkakabilanggo. Ngunit walang anuman sa akin ang lahat ng iyon. Ikinagagalak ko na si Cristo ay naipapangaral, maging tapat man o hindi ang hangarin ng mga nangangaral. Ang isa ko pang ikinagagalak ay ang pag-asang ako'y makakalaya sa pamamagitan ng inyong mga panalangin at sa tulong ng Espiritu ni Jesu-Cristo. Ang aking pinakananais at inaasahan ay ang hindi ako mapahiya sa anumang bagay; kundi sa lahat ng panahon, at lalo na ngayon, ay buong tapang kong maparangalan si Cristo sa buhay man o sa kamatayan. Sapagkat para sa akin, ang buhay ay para kay Cristo at ang kamatayan ay pakinabang. Kung ako'y mananatiling buháy, ito'y kapaki-pakinabang sapagkat marami pa akong magagawang mabubuting bagay. Hindi ko ngayon malaman kung alin ang aking pipiliin. May pagtatalo sa loob ko; nais ko nang pumanaw sa mundong ito upang makapiling ni Cristo, sapagkat ito ang lalong mabuti. Ngunit alang-alang sa inyo, mas kailangan pang manatili ako sa buhay na ito. Dahil dito, natitiyak kong ako'y mabubuhay pa at makakasama ninyong lahat upang matulungan kayong magpatuloy nang may kagalakan sa inyong pananalig sa Panginoon. Kung magkagayon, lalo ninyo akong maipagmamalaki at lalo ninyong pupurihin si Cristo Jesus dahil sa aking pagbabalik sa inyo. Kaya nga, mga kapatid, pagsikapan ninyong mamuhay nang nararapat ayon sa Magandang Balita ni Cristo. Sa gayon, makabalik man ako sa inyong piling o hindi, makakatiyak pa rin akong kayo'y naninindigan sa iisang diwa at sama-samang ipinaglalaban ang pananampalataya sa Magandang Balita. Huwag kayong matakot sa inyong mga kaaway. Magpakatatag kayo sapagkat ito mismo ang palatandaan na sila ay mapapahamak at kayo'y ililigtas ng Diyos. Dahil ipinagkaloob niya sa inyo, hindi lamang ang manalig sa kanya, kundi ang magtiis din naman alang-alang kay Cristo. Ngayon, kasama ko na kayo sa pakikipaglabang nakita ninyong ginawa ko noon, at nababalitaan ninyong ginagawa ko pa rin hanggang ngayon. Kaya nga, yamang mayroong kasiglahan ang buhay kay Cristo, mayroong kaaliwan ng pag-ibig, mayroong pakikiisa ng Espiritu Santo, at mayroong kagandahang-loob at malasakit para sa isa't isa, lubusin ninyo ang aking kagalakan; magkaroon kayo ng iisang kaisipan, mabuklod kayo sa iisang pag-ibig, at magkaisa kayo sa puso't diwa. Huwag kayong gumawa ng anuman dahil sa pansariling layunin o pagyayabang; sa halip, bilang tanda ng pagpapakumbaba, ituring ninyong higit ang iba kaysa inyong mga sarili. Pagmalasakitan ninyo ang kapakanan ng iba, at hindi lamang ang sa inyong sarili. Nawa'y magkaroon kayo ng kaisipan na tulad ng kay Cristo Jesus. Kahit taglay niya ang kalikasan ng Diyos, hindi niya ipinagpilitang manatiling kapantay ng Diyos. Sa halip, kusa niyang binitawan ang pagiging kapantay ng Diyos, at namuhay na isang alipin. Ipinanganak siya bilang tao. At nang siya'y maging tao, nagpakumbaba siya at naging masunurin hanggang kamatayan, maging ito man ay kamatayan sa krus. Dahil dito, siya'y lubusang itinaas ng Diyos, at binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan. Sa gayon, sa pangalan ni Jesus ay luluhod at magpupuri ang lahat ng nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa. At ang lahat ay magpapahayag na si Jesu-Cristo ay Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama. Kaya nga, mga minamahal, tulad ng inyong buong-pusong pagsunod noong ako'y kasama pa ninyo, lalo kayong maging masunurin ngayong ako'y malayo sa inyo. Pagsumikapan ninyong maging ganap ang inyong kaligtasan nang may lubusang paggalang at pag-ibig sa Diyos, sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa inyo upang inyong naisin at isagawa ang kanyang kalooban. Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang walang reklamo at pagtatalo, upang kayo'y maging mga ulirang anak ng Diyos, matuwid at walang kapintasan sa gitna ng sanlibutang baluktot at masama. Sa gayon, magsisilbi kayong mga ilaw sa kanila, tulad ng mga bituing nagniningning sa kalangitan, habang ipinapahayag ninyo ang salitang nagbibigay-buhay. Sa gayon, sa Araw ni Cristo ay maipagmamalaki kong hindi nawalan ng kabuluhan ang mga hirap at pagod ko sa inyo. Kung ang buhay ko ma'y ibuhos bilang handog para sa inyong paglilingkod at pananampalataya sa Diyos, ako'y natutuwa at ang puso ko'y nakikigalak sa inyo. Kaya magalak din kayo at bahaginan ninyo ako ng inyong kagalakan. Umaasa ako sa Panginoong Jesus na mapapapunta ko agad riyan si Timoteo upang mapanatag ang aking loob kapag aking malaman mula sa kanya ang inyong kalagayan. Wala nang hihigit sa kanya sa pakikiisa sa aking damdamin at pagmamalasakit para sa inyong kapakanan. Ang inaatupag lamang ng iba ay ang sarili nilang kapakanan at hindi ang kay Jesu-Cristo. Kayo na rin ang nakakaalam sa katapatan ni Timoteo. Kasama ko siya sa pangangaral ng Magandang Balita. Tinulungan niya ako tulad ng pagtulong ng isang anak sa kanyang ama. Kaya, binabalak kong papuntahin siya riyan pagkatapos kong matiyak ang magiging kalagayan ko rito. Subalit ako'y umaasa, sa tulong ng Panginoon, na ako rin ay makakapunta riyan sa lalong madaling panahon. Inisip kong kailangan nang papuntahin diyan ang ating kapatid na si Epafrodito, na aking kamanggagawa at kapwa kawal ng Diyos na isinugo ninyo upang magdala ng inyong kaloob, at upang makatulong sa akin. Sabik na sabik na siya sa inyong lahat. Nag-aalala siya dahil nabalitaan ninyong nagkasakit siya. Totoong siya'y nagkasakit at muntik nang mamatay. Subalit kinahabagan siya ng Diyos, at hindi lamang siya kundi pati ako, upang huwag nang madagdagan pa ang aking kalungkutan. Kaya nga, nais kong makapunta na siya riyan sapagkat alam kong matutuwa kayong makita siyang muli. Sa gayon, mawawala na ang aking kalungkutan. Kaya, tanggapin ninyo siya nang buong galak bilang isang tunay na lingkod ng Panginoon. Igalang ninyo ang mga taong tulad niya. Sapagkat muntik na siyang namatay alang-alang sa gawain para kay Cristo; itinaya niya ang kanyang buhay sa paglilingkod sa akin upang mapunuan ang hindi ninyo kayang gampanan. Sa wakas, mga kapatid, magalak kayo sa Panginoon. Hindi kaabalahan para sa akin na ulitin ang naisulat ko na, dahil ito naman ay para sa inyong kapakanan. Mag-ingat kayo sa mga taong asal-aso, sa mga taong mahilig sa paggawa ng masama. Sila'y mga taong naghihiwa ng maselang bahagi ng kanilang katawan. Tayo at hindi sila, ang tumanggap ng tunay na pagtutuli, tayong mga sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng kanyang Espiritu. Ang ipinagmamalaki natin ay ang ating buhay kay Cristo Jesus at hindi tayo umaasa sa mga pisikal na bagay. Ang totoo, ako'y may sapat na dahilan upang panghawakan ang mga pisikal na bagay. Kung iniisip ninuman na siya'y may katuwirang umasa sa ganitong mga bagay, lalo na ako. Ako'y tinuli sa ikawalong araw mula nang ako'y isilang. Ako'y isang tunay na Israelita, buhat sa angkan ni Benjamin at totoong Hebreo. Kung pagsunod naman sa Kautusan ang pag-uusapan, ako'y isang Pariseo. Kung sa pagiging masugid ko sa Kautusan, inusig ko ang iglesya. Kung sa pagiging matuwid naman ayon sa Kautusan, walang maisusumbat sa akin. Ngunit dahil kay Cristo, ang mga bagay na pinapahalagahan ko noon ay itinuring kong walang kabuluhan ngayon. Oo, itinuturing kong walang kabuluhan ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Ang lahat ng bagay ay ipinalagay kong walang kabuluhan at itinuring kong basura, makamtan ko lamang si Cristo at lubos na makipag-isa sa kanya. Ang aking pagiging matuwid ay hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, kundi sa pananalig kay Cristo. Ang pagiging matuwid ko ngayo'y buhat sa Diyos, sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang tanging hangarin ko ngayon ay lubusang makilala si Cristo, maranasan ang kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay, makibahagi sa kanyang mga paghihirap, at maging katulad niya sa kanyang kamatayan, umaasang ako man ay muling bubuhayin mula sa kamatayan. Hindi sa nakamtan ko na ang mga bagay na ito. Hindi rin sa ako'y ganap na; ngunit sinisikap kong makamtan ang gantimpala sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako'y tinawag ni Cristo Jesus. Mga kapatid, hindi ko ipinapalagay na nakamit ko na ito. Ngunit isang bagay ang ginagawa ko: habang nililimot ko ang nakaraan at sinisikap na marating ang layuning nais kong makamtan, nagpupunyagi ako patungo sa hangganan upang makamtan ang gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus, ang buhay na nasa langit. Ganyan ang dapat maging kaisipan nating mga matatag na sa pananampalataya. Kung hindi ganito ang inyong pag-iisip, ipapaunawa iyan sa inyo ng Diyos. Ang mahalaga ay panghawakan natin ang ating nakamtan na. Mga kapatid, magkaisa kayong tumulad sa halimbawang ipinakita ko sa inyo. Pag-ukulan din ninyo ng pansin ang lahat ng sumusunod sa aming halimbawa. Sapagkat tulad ng madalas kong sinasabi sa inyo noon at ngayo'y luhaang inuulit ko, marami ang namumuhay bilang mga kaaway ng krus ni Cristo. Kapahamakan ang kahihinatnan nila sapagkat ang dinidiyos nila ay ang hilig ng kanilang katawan. Ikinararangal nila ang mga bagay na dapat sana nilang ikahiya, at wala silang iniisip kundi ang mga bagay na may kinalaman sa mundong ito. Subalit sa kabilang dako, tayo ay mga mamamayan ng langit. Mula roo'y hinihintay nating may pananabik ang Panginoong Jesu-Cristo, ang ating Tagapagligtas. Sa pamamagitan ng kapangyarihang ginamit niya sa pagpapasuko sa lahat ng bagay, ang ating katawang may kahinaan ay babaguhin niya upang maging katulad ng kanyang katawang maluwalhati. Kaya nga, mga kapatid kong minamahal at pinananabikan, aking kagalakan at karangalan, sa ganitong paraan ay magpakatatag kayo sa inyong pamumuhay na nakaugnay sa Panginoon. Nakikiusap ako kina Euodia at Sintique na sila'y magkasundo na bilang magkapatid sa Panginoon. Ipinapakiusap ko rin naman sa iyo, tapat kong katuwang, tulungan mo ang dalawang babaing ito. Sila man ay kasama kong nagpagal sa pagpapalaganap ng Magandang Balita, kasama si Clemente at ang iba pang kamanggagawa ko. Ang mga pangalan nila'y nakasulat sa aklat ng buhay. Magalak kayong lagi sa Panginoon. Inuulit ko, magalak kayo! Ipadama ninyo sa lahat ang inyong kabutihang-loob. Malapit nang dumating ang Panginoon. Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, hingin ninyo sa Diyos ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ng panalanging may pasasalamat. At ang kapayapaan ng Diyos na hindi kayang maunawaan ng tao ang siyang mag-iingat sa inyong puso at pag-iisip dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. Bilang pagtatapos, mga kapatid, lagi ninyong isaisip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang. Isagawa ninyo ang lahat ng inyong natutunan, tinanggap, narinig at nakita sa akin. Sa gayon, sasainyo ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan. Labis akong nagagalak sa Panginoon sapagkat pagkaraan ng mahabang panahon, minsan pang ipinamalas ninyo ang inyong pagmamalasakit sa akin. Alam kong hindi ninyo ako nalilimutan, wala nga lamang kayong pagkakataong ipamalas ito. Hindi ko sinasabi ito dahil sa kayo'y pinaghahanapan ko ng tulong. Natutunan ko nang masiyahan, maging anuman ang aking kalagayan. Alam ko kung paano maghikahos; alam ko rin kung paano managana; natutunan ko na ang sikreto kung paano masiyahan sa anumang kalagayan sa buhay, ang mabusog o ang magutom, ang managana o ang maghirap. Ang lahat ng ito'y magagawa ko dahil sa lakas na kaloob sa akin ni Cristo. Gayunman, ikinagagalak ko ang inyong pagdamay sa aking mga paghihirap. Alam naman ninyo, mga taga-Filipos, na kayo lamang ang iglesyang tumulong sa aking mga pangangailangan nang umalis ako sa Macedonia noong ako'y nagsisimula pa lamang sa pangangaral ng Magandang Balita. Noong ako'y nasa Tesalonica na, makailang ulit ding pinadalhan ninyo ako ng tulong. Hindi sa hangad kong laging tumanggap ng mga kaloob, kundi ang nais ko ay makatanggap kayo ng masaganang gantimpala. Ang liham na ito ang pagkilala sa lahat ng mga kaloob ninyo sa akin. Higit pa sa pangangailangan ko ang tulong ninyo sa akin na hatid ni Epafrodito. Ang mga ito ay tulad ng mabangong handog sa Diyos, mga alay na katanggap-tanggap at kalugud-lugod sa kanya. At buhat sa hindi mauubos na kayamanan ng Diyos, ibibigay niya ang lahat ng inyong kailangan sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Purihin ang ating Diyos at Ama magpakailanman! Amen. Paratingin ninyo sa lahat ng mga hinirang ng Diyos kay Cristo Jesus ang aking pagbati. Binabati kayo ng mga kapatid na kasama ko rito. Binabati rin kayo ng lahat ng mga hinirang ng Diyos, lalo na ng mga naririto sa palasyo ng Emperador. Nawa'y taglayin ng inyong espiritu ang kagandahang-loob ng Panginoong Jesu-Cristo. Mula kay Pablo, apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos, at mula rin sa kapatid nating si Timoteo: Para sa mga taga-Colosas na hinirang ng Diyos at mga tapat na kapatid kay Cristo. Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama. Tuwing ipinapanalangin namin kayo, lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos na Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Sapagkat nabalitaan namin ang inyong pananalig kay Cristo Jesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng hinirang ng Diyos, dahil sa pag-asang makakamtan ninyo na inihanda para sa inyo sa langit. Nalaman ninyo ang tungkol sa pag-asang ito nang ipangaral sa inyo ang salita ng katotohanan, ang Magandang Balita na dumating sa inyo. Ito'y lumalaganap at nagdadala ng pagpapala sa buong daigdig, tulad ng nangyari sa inyo mula nang marinig at maunawaan ninyo ang katotohanan tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos. Natutunan ninyo ito kay Epafras, ang aming kamanggagawa, isang tapat na lingkod ni Cristo at kinatawan ninyo. Sa kanya namin nalaman ang inyong pag-ibig na naaayon sa Espiritu. Kaya't mula nang marinig namin ito, patuloy naming idinadalangin sa Diyos na sana'y ipaunawa niya sa inyo nang lubusan ang kanyang kalooban, sa pamamagitan ng karunungan at pang-unawang kaloob ng Espiritu. Sa gayon, makakapamuhay na kayo nang karapat-dapat at kalugud-lugod sa Panginoon, sasagana sa lahat ng uri ng mabubuting gawa, at lalawak ang inyong pagkakilala sa Diyos. Idinadalangin din naming patatagin niya kayo sa tulong ng kanyang dakilang kapangyarihan, upang inyong matiis na masaya at may pagtitiyaga ang lahat ng bagay. Lagi kayong magpasalamat sa Ama sapagkat minarapat niyang makabahagi kayo sa mga pangako ng Diyos para sa mga hinirang na nasa liwanag. Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak. Sa pamamagitan niya ay napalaya tayo, samakatuwid ay pinatawad ang ating mga kasalanan [sa pamamagitan ng kanyang dugo]. Si Cristo ang larawan ng Diyos na di-nakikita. Siya ang panganay na anak at pangunahin sa lahat ng mga nilikha. Sapagkat sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi, pati ang mga espirituwal na kapangyarihan, paghahari, pamamahala, at pamumuno. Ang lahat ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya. Siya ang una sa lahat, at ang buong sansinukob ay nananatiling nasa kaayusan sa pamamagitan niya. Siya ang ulo ng iglesya na kanyang katawan. Siya ang pasimula, siya ang panganay na binuhay mula sa kamatayan, upang siya'y maging pangunahin sa lahat. Sapagkat minarapat ng Diyos na ang buo niyang kalikasan ay manatili sa Anak, at sa pamamagitan ng Anak, niloob ng Diyos na ang lahat ng bagay, maging sa langit o sa lupa ay ipagkasundo sa kanya. Nakamtan ang kapayapaan sa pamamagitan ng dugo ng kanyang Anak na inialay sa krus. Dati, kayo'y malayo sa Diyos at naging kaaway niya dahil sa inyong paggawa at pag-iisip ng masasama. Ngunit naging tao ang Anak ng Diyos at sa pamamagitan ng kanyang pagkamatay ay ipinagkasundo kayo sa Diyos. Nang sa gayon ay maiharap niya kayong banal, walang kapintasan at walang dungis. Subalit kailangan ninyong manatiling tapat at matatag sa inyong pananampalataya at huwag pabayaang mawala ang pag-asang dulot ng Magandang Balita na inyong narinig. Niloob ng Diyos na akong si Pablo ay maging lingkod para sa Magandang Balitang ito na ipinangaral sa lahat ng tao sa buong daigdig. Nagagalak ako sa aking paghihirap alang-alang sa inyo, sapagkat sa pamamagitan nito'y naipagpapatuloy ko ang paghihirap na kailangan pang gawin ni Cristo para sa iglesya na kanyang katawan. Ako'y naging lingkod nito nang piliin ako ng Diyos upang ipahayag sa inyo ang kanyang salita, ang hiwaga na sa mahabang panahon ay inilihim sa maraming sali't saling lahi, ngunit ngayo'y inihayag na sa kanyang mga hinirang. Niloob ng Diyos na ihayag sa kanila kung gaano kadakila ang kamangha-manghang hiwagang ito para sa mga Hentil na walang iba kundi si Cristo na nasa inyo. Siya ang ating pag-asa na tayo'y makakabahagi sa kaluwalhatian ng Diyos. Iyan ang dahilan kung bakit ipinapangaral namin si Cristo. Ang lahat ay aming binabalaan at tinuturuan nang may buong kaalaman upang maiharap namin sa Diyos ang bawat isa nang ganap at walang kapintasan dahil sa kanilang pakikipag-isa kay Cristo. Ito ang aking pinagsisikapang matupad sa pamamagitan ng kalakasang kaloob sa akin ni Cristo. Nais kong malaman ninyong gayon na lamang ang pagsisikap ko para sa inyo, gayundin para sa mga taga-Laodicea at sa lahat ng hindi pa nakakakita sa akin nang personal. Ginagawa ko ito upang palakasin ang kanilang loob at upang mabuklod sila sa pag-ibig. Sa gayon, mararanasan nila ang ganap na pagpapala ng tunay na pagkaunawa at kaalaman tungkol sa hiwaga ng Diyos, na walang iba kundi si Cristo. Sa pamamagitan niya nahahayag ang lahat ng nakatagong kayamanan ng karunungan at kaalaman ng Diyos. Sinasabi ko ito upang hindi kayo mailigaw ninuman sa pamamagitan ng mga mapang-akit na pananalita. Kahit na wala ako riyan, kasama naman ninyo ako sa espiritu. At ako'y nagagalak sa inyong maayos na pamumuhay at matibay na pananalig kay Cristo. Yamang tinanggap na ninyo si Cristo Jesus bilang Panginoon, mamuhay kayo na may pakikipag-isa sa kanya. Magpakatatag kayo at isalig ninyo sa kanya ang inyong buhay. Magpakatibay kayo sa pananampalatayang itinuro sa inyo, at lagi kayong magpasalamat sa Diyos. Mag-ingat kayo upang hindi kayo mabihag ninuman sa pamamagitan ng walang kabuluhang karunungan at pandaraya na ayon sa mga tradisyon ng mga tao at mga alituntunin ng mundong ito, at ang mga ito ay hindi ayon kay Cristo. Sapagkat ang buong kalikasan ng Diyos ay na kay Cristo sa kanyang pagiging tao. Kaya't nalubos ang inyong buhay sa pamamagitan ng inyong pakikipag-isa sa kanya, na siyang nakakasakop sa lahat ng kapangyarihan at pamamahala. Dahil sa pakikipag-isa kay Cristo, kayo'y tinuli hindi sa laman kundi sa pagwawaksi ng masamang hilig ng laman. Ito ang pagtutuling mula kay Cristo. Sa pamamagitan ng bautismo, nailibing kayong kasama ni Cristo at muli rin kayong nabuhay na kasama niya dahil sa inyong pananalig sa kapangyarihan ng Diyos na muling bumuhay sa kanya. Kayong dating patay dahil sa kasalanan, kayong mga Hentil na hindi saklaw ng pagtutuli ayon sa Kautusan ay binuhay ng Diyos na kasama ni Cristo. Pinatawad niya ang ating mga kasalanan at pinawalang-bisa ang lahat ng naisulat na alituntunin laban sa atin, pati ang mga pananagutang kaugnay nito. Pinawi niya ang lahat ng ito nang ipako siya sa krus. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, nilupig niya ang mga pinuno at kapangyarihan ng sanlibutan. Ang mga ito'y parang mga bihag na kanyang ipinarada sa madla bilang katunayan ng kanyang pagtatagumpay. Kaya't huwag na kayong magpapasakop pa sa anumang alituntunin tungkol sa pagkain o inumin, tungkol sa mga kapistahan, sa bagong buwan o sa Araw ng Pamamahinga. Ang mga ito'y anyo lamang ng mga bagay na darating, ngunit si Cristo ang katuparan ng lahat ng ito. Huwag kayong magpapatangay sa mga nagpapakita ng maling pagpapakumbaba at sumasamba sa mga anghel. Ipinagmamalaki nilang sila'y nakakahigit sa inyo dahil sa kanilang mga pangitain. Ngunit ang totoo, nagyayabang lamang sila dala ng kanilang isipang makalaman. Hindi sila nagpapasakop kay Cristo na siyang ulo at may kapangyarihan sa buong katawan. Nakaugnay sa kanya ang mga bahagi nito sa pamamagitan ng mga kasukasuan at mga litid. Siya ang nangangalaga at nagpapaunlad sa buong katawan ayon sa pag-unlad na ninanais ng Diyos. Namatay na kayo na kasama ni Cristo at hindi na sakop ng mga alituntunin ng mundong ito. Bakit pa kayo sumusunod sa mga alituntuning tulad ng “Huwag hahawak nito,” “Huwag titikim niyan,” “Huwag gagalawin iyon”? Ang mga ito'y utos at katuruan lamang ng tao, at nauukol sa mga bagay na nauubos kapag ginagamit. Sa kaanyuan, para ngang ayon sa karunungan ang ganoong uri ng pagsamba, pagpapakumbaba at pagpapahirap sa sariling katawan. Ngunit ang mga ito ay walang silbi sa pagpigil sa hilig ng laman. Yamang binuhay kayong muli na kasama ni Cristo, ituon ninyo ang inyong pag-iisip sa mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Diyos. Ang mga bagay na panlangit ang isaisip ninyo, hindi ang mga bagay na panlupa, sapagkat namatay na kayo at ang inyong buhay ay nakatago sa Diyos, kasama ni Cristo. Si Cristo ang inyong buhay, at kapag siya'y nahayag na, mahahayag din kayong kasama niya at makakahati sa kanyang kaluwalhatian. Kaya't patayin na ninyo ang mga pagnanasang makamundo: ang pakikiapid, karumihan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masamang pagnanasa, at ang kasakiman na isang uri ng pagsamba sa diyus-diyosan. Dahil sa mga ito, tatanggap ng parusa ng Diyos [ang mga taong ayaw pasakop sa kanya]. Kayo man ay namuhay din ayon sa mga pagnanasang iyon nang kayo ay pinaghaharian pa ng mga ito. Ngunit ngayon, itakwil na ninyo ang lahat ng galit, poot, at sama ng loob. Iwasan na ninyo ang panlalait at malaswang pananalita. Huwag kayong magsisinungaling sa isa't isa, sapagkat hinubad na ninyo ang dati ninyong pagkatao, pati ang mga gawa nito. Isinuot ninyo ang bagong pagkatao na patuloy na nababago at nagiging kalarawan ng Diyos na lumikha sa inyo, upang lalo ninyo siyang makilala. Kaya't sa kalagayang ito, wala nang pagkakaiba ang Griego at ang Judio, ang tuli at ang di-tuli, ang dayuhan at ang hindi sibilisado, ang alipin at ang malaya. Ngunit si Cristo ang pinakamahalaga sa lahat, at siya'y nasa inyong lahat. Kaya nga, dahil kayo'y hinirang ng Diyos, minamahal niya at pinili para sa kanya, dapat kayong maging mahabagin, mabait, mapagpakumbaba, mahinahon, at mapagtiis. Magpasensiya kayo sa isa't isa. Kung may hinanakit kayo kaninuman, magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon. At higit sa lahat, taglayin ninyo ang pagmamahalan, na siyang nagbubuklod sa lahat sa ganap na pagkakaisa. Paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Cristo, sapagkat iyan ang dahilan kung bakit kayo tinawag sa iisang katawan. Magpasalamat kayong lagi. Ang salita ni Cristo'y hayaan ninyong lubusang manatili sa inyong puso. Turuan ninyo at paalalahanan ang isa't isa nang may buong karunungan. Buong puso kayong umawit ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal, nang may pagpapasalamat sa Diyos. At anuman ang inyong gagawin o sasabihin, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus at sa pamamagitan niya'y magpasalamat kayo sa Diyos Ama. Mga babae, pasakop kayo sa inyong asawa, sapagkat iyan ang naaangkop sa mga nakipag-isa sa Panginoon. Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa, at huwag kayong maging malupit sa kanila. Mga anak, sundin ninyong lagi ang inyong mga magulang, sapagkat iyan ang nakalulugod sa Panginoon. Mga magulang, huwag ninyong pagagalitan nang labis ang inyong mga anak at baka masiraan sila ng loob. Mga alipin, sa lahat ng bagay ay sundin ninyo ang inyong mga amo dito sa lupa. May nakakakita man o wala, maglingkod kayo hindi upang kalugdan lamang ng mga tao, kundi dahil sa kayo'y tapat at may takot sa Panginoon. Anuman ang inyong ginagawa, gawin ninyo nang buong puso na parang sa Panginoon kayo naglilingkod at hindi sa mga tao. Sapagkat si Cristo ang Panginoong pinaglilingkuran ninyo at alalahanin ninyong pagkakalooban kayo ng Panginoon ng gantimpalang inilaan niya para sa inyo. Ang mga gumagawa ng masama ay pagbabayarin sa kasamaang kanilang ginawa, sapagkat ang Diyos ay walang kinikilingan. Mga amo, maging mabuti kayo at makatarungan sa mga naglilingkod sa inyo. Alalahanin ninyong kayo man ay may Panginoon sa langit. Maging matiyaga kayo sa pananalangin, laging handa at nagpapasalamat sa Diyos. Idalangin ninyo sa Diyos na bigyan kami ng pagkakataon na maipangaral ang kanyang salita at maipahayag ang hiwaga ni Cristo, ang sanhi ng pagkabilanggo ko ngayon. Ipanalangin din ninyong maipahayag ko ito nang buong linaw, gaya ng nararapat. Maging matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi nananampalataya at samantalahin ninyo ang bawat pagkakataon. Sikapin ninyong laging maging kaaya-aya at kapaki-pakinabang ang inyong pananalita sa kanila, at matuto kayong sumagot nang tama sa lahat ng tao. Si Tiquico ang magbabalita sa inyo tungkol sa kalagayan ko rito. Siya ay minamahal naming kapatid, tapat na lingkod at kamanggagawa sa Panginoon. Pinapunta ko siya riyan para malaman ninyo ang aming kalagayan, nang sa gayon ay lumakas ang inyong loob. Kasama niya ang tapat at minamahal nating kapatid na si Onesimo, na kasamahan ninyo. Sila ang magbabalita sa inyo ng lahat ng nangyari dito. Kinukumusta kayo ni Aristarco, na bilanggo ring kasama ko, at ni Marcos na pinsan ni Bernabe. Tungkol naman kay Marcos, mayroon nang bilin sa inyo na malugod ninyo siyang tanggapin pagdating niya riyan. Kinukumusta rin kayo ni Jesus na kilala rin sa pangalang Justo. Silang tatlo lamang ang mga mananampalatayang Judio na kasama ko rito sa pangangaral tungkol sa kaharian ng Diyos, at sila'y malaking tulong sa akin. Kinukumusta rin kayo ng kasamahan ninyong si Epafras, na lingkod ni Cristo Jesus. Lagi niyang idinadalangin nang buong taimtim na kayo'y maging matatag, ganap, at lubos na panatag sa kalooban ng Diyos. Saksi ako sa pagsisikap niya para sa inyo at sa mga nasa Laodicea at Hierapolis. Nangungumusta rin sa inyo si Demas at ang minamahal nating manggagamot na si Lucas. Ikumusta ninyo ako sa mga kapatid sa Laodicea, gayundin kay Nimfa at sa iglesyang nagtitipon sa kanyang bahay. Pagkabasa ninyo ng sulat na ito, ipabasa rin ninyo ito sa iglesya sa Laodicea. Basahin din ninyo ang sulat kong manggagaling doon. At pakisabi ninyo kay Arquipo na tapusin ang gawaing tinanggap niya sa Panginoon. Ako mismong si Pablo ang sumusulat ng pagbating ito. Huwag ninyong kalimutan na ako'y nakabilanggo. Sumainyo nawa ang kagandahang-loob ng Diyos. Mula kina Pablo, Silas, at Timoteo— Para sa iglesya sa Tesalonica, na nasa Diyos Ama at nasa Panginoong Jesu-Cristo. Kagandahang-loob at kapayapaan nawa ang sumainyo. Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyo at tuwina'y kasama kayo sa aming mga dalangin. Inaalala namin sa harapan ng ating Diyos at Ama ang inyong gawa dahil sa inyong pananampalataya, ang inyong pagpapagal dahil sa inyong pag-ibig, at ang inyong pagtitiis dahil sa inyong pag-asa sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Mga kapatid, nalalaman namin na kayo'y pinili ng Diyos na nagmamahal sa inyo. Sapagkat ang Magandang Balitang lubos naming pinaniniwalaan ay ipinahayag namin sa inyo hindi lamang sa pamamagitan ng salita, kundi sa pamamagitan din ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Nakita ninyo kung paano kami namuhay sa inyong piling; ito ay ginawa namin alang-alang sa inyo. Sinundan ninyo ang aming halimbawa at ang halimbawa ng Panginoon. Kahit dumanas kayo ng napakaraming paghihirap, tinanggap ninyo ang salita ng Diyos nang may kagalakang mula sa Espiritu Santo. Kaya't naging huwaran kayo ng mga mananampalataya sa Macedonia at Acaya, sapagkat hindi lamang ang salita ng Panginoon ang lumaganap sa Macedonia at Acaya sa pamamagitan ninyo. Ang inyong pananampalataya sa Diyos ay nabalita rin sa lahat ng dako, kaya't hindi na kailangang magsalita pa kami tungkol dito. Ang mga tagaroon na rin ang nagbabalita kung paano ninyo kami tinanggap. Sila rin ang nagsasabi kung paano ninyo tinalikuran ang pagsamba sa mga diyus-diyosan upang maglingkod sa tunay at buháy na Diyos, at maghintay sa pagbabalik ng kanyang Anak mula sa langit. Ito'y si Jesus na muli niyang binuhay; na siya ring nagliligtas sa atin sa darating na poot ng Diyos. Mga kapatid, kayo na rin ang nakakaalam na hindi nawalan ng kabuluhan ang pagpunta namin sa inyo. Alam ninyong hinamak kami't inalipusta sa Filipos, ngunit sa kabila ng maraming hadlang, binigyan kami ng Diyos ng lakas ng loob na ipahayag sa inyo ang Magandang Balita. Ang pangangaral namin ay hindi batay sa kamalian, o sa masamang layunin, o sa hangad na manlinlang. Sapagkat minarapat ng Diyos na ipagkatiwala sa amin ang Magandang Balita, nangangaral kami, hindi upang bigyang-kasiyahan ang tao, kundi ang Diyos na sumisiyasat ng ating puso. Alam ninyo na ang aming pangangaral ay hindi sa pamamagitan ng matatamis na pangungusap, o ng mga salitang nagkukubli ng kasakiman. Saksi namin ang Diyos. Hindi kami naghangad ng papuri ninyo o ninuman kahit bilang mga apostol ni Cristo ay may karapatan kaming humingi ng anuman mula sa inyo. Sa halip ay naging magiliw kami sa inyo, tulad ng inang mapagkalinga sa kanyang mga anak. Dahil sa laki ng aming pagmamahal sa inyo, hindi lamang kami handang ibahagi sa inyo ang Magandang Balita, kundi maging ang aming buhay. Mga kapatid, tiyak na natatandaan pa ninyo kung paano kami nagtrabaho at nagsikap araw-gabi para hindi kami makabigat kaninuman habang ipinapahayag namin sa inyo ang Magandang Balitang mula sa Diyos. Saksi ang Diyos at saksi rin namin kayo, kung paanong naging dalisay, matuwid, at walang kapintasan ang aming pakikitungo sa inyo na mga sumasampalataya. Tulad ng alam ninyo, kami'y naging parang ama sa bawat isa sa inyo. Pinayuhan namin kayo, pinalakas namin ang inyong loob, at inatasan na mamuhay nang kalugud-lugod sa paningin ng Diyos na tumawag sa inyo upang mapabilang sa kanyang kaharian at kaluwalhatian. Kaya nga, palagi kaming nagpapasalamat sa Diyos, sapagkat nang ipangaral namin sa inyo ang kanyang salita, hindi ninyo ito tinanggap bilang salita ng tao, kundi bilang tunay na salita ng Diyos, at ang bisa nito'y nakikita sa buhay ninyo na mga sumasampalataya. Mga kapatid, ang nangyari sa inyo ay tulad ng nangyari sa mga iglesya ng Diyos sa Judea, sa mga nananalig kay Cristo Jesus. Inuusig kayo ng inyong mga kababayan, tulad din ng mga taga-Judea na inusig ng kapwa nila Judio. Ang mga Judiong ito ang pumatay sa Panginoong Jesus at sa mga propeta. Sila rin ang umuusig sa amin. Nagagalit sa kanila ang Diyos at kaaway sila ng lahat ng tao! Ang aming pangangaral sa mga Hentil upang ang mga ito'y maligtas ay kanilang hinahadlangan. Umabot na sa sukdulan ang kanilang kasamaan, kaya't ngayon ay bumagsak na ang poot ng Diyos sa kanila. At ngayon, mga kapatid, nang kami'y sandaling napahiwalay sa inyo, hindi sa alaala kundi sa paningin, labis kaming nangulila. Kaya't sabik na sabik na kaming makita kayong muli at nais naming makabalik diyan. Ako mismong si Pablo ay makailang ulit na nagbalak dumalaw sa inyo, ngunit lagi kaming hinahadlangan ni Satanas. Hindi ba't kayo ang aming pag-asa, kaligayahan, at ang koronang maipagmamalaki namin sa harap ng Panginoong Jesus pagparito niya? Oo, kayo ang aming karangalan at kaligayahan. Kaya naman, nang hindi na kami makatiis, minabuti naming magpaiwan sa Atenas at suguin sa inyo si Timoteo na ating kapatid at kamanggagawa para sa Diyos sa pangangaral ng Magandang Balita tungkol kay Cristo. Isinugo namin siya upang patatagin kayo at palakasin ang inyong loob alang-alang sa inyong pananampalataya, upang hindi manghina ang sinuman sa inyo dahil sa mga pag-uusig. Alam ninyong ang mga pag-uusig ay bahagi ng kalooban ng Diyos para sa atin. Ipinagpauna na namin sa inyo noong naririyan pa kami na tayo'y uusigin, at gayon nga ang nangyayari tulad ng alam ninyo. Kaya nga, nang hindi na ako makatiis ay nagpadala ako riyan ng sugo upang alamin ang kalagayan ngayon ng inyong pananampalataya sa Panginoon. Nag-aalala ako na baka natukso na kayo ng diyablo, at kung magkagayo'y mawawalan ng kabuluhan ang aming pagpapagal. Ngayon ay nakabalik na rito si Timoteo, at maganda ang balita niya tungkol sa inyong pananampalataya at pag-ibig. Ibinalita rin niya na lagi ninyo kaming naaalala at malaki ang pananabik na makita kami, gaya ng pananabik naming makita kayo. Mga kapatid, dahil sa inyong pananampalataya kay Cristo ay napasigla kami sa gitna ng aming pagkabalisa at mga hirap. Nabubuhayan kami ng loob kapag kayo'y nananatiling matatag sa pananampalataya. Paano kaya namin mapapasalamatan nang sapat ang Diyos dahil sa kagalakang natamo namin dahil sa inyo? Mataimtim naming idinadalangin araw-gabi na kayo'y muli naming makita at mapunuan ang anumang kakulangan sa inyong pananampalataya. Loobin nawa mismo ng ating Diyos Ama at ng ating Panginoong Jesus na makapunta kami diyan sa inyo. Nawa'y palaguin at pasaganain ng Panginoon ang inyong pag-ibig sa isa't isa at sa lahat ng tao, tulad ng pag-ibig namin sa inyo. Nang sa gayo'y palalakasin niya ang inyong loob upang kayo'y manatiling banal at walang kapintasan sa harap ng ating Diyos at Ama hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Jesus, kasama ang lahat ng kanyang mga hinirang. [Amen.] Kaya nga, mga kapatid, isa pang bagay ang ipinapakiusap namin at ipinapayo sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesus. Sana'y lalo pa ninyong pagbutihin ang inyong pamumuhay ngayon, sang-ayon sa inyong natutunan sa amin, upang kayo'y maging kalugud-lugod sa Diyos. Alam naman ninyo kung ano ang mga katuruang ibinigay namin sa inyo buhat sa Panginoong Jesus. Kalooban ng Diyos na kayo'y maging banal at lumayo sa lahat ng uri ng kahalayan. Dapat maging banal at marangal ang pakikitungo ng bawat isa sa kanyang asawa, at hindi upang masunod lamang ang pagnanasa ng laman tulad ng inaasal ng mga Hentil na hindi nakakakilala sa Diyos. Sa bagay na ito, huwag ninyong gawan ng masama at dayain ang inyong kapatid, sapagkat paparusahan ng Panginoon ang gumagawa ng ganitong kasamaan, tulad ng mahigpit naming babala sa inyo noon. Tayo'y tinawag ng Diyos upang mamuhay sa kabanalan, hindi sa kahalayan. Kaya, ang sinumang humamak sa aral na ito ay humahamak, hindi sa tao, kundi sa Diyos na siyang nagkakaloob sa atin ng kanyang Espiritu Santo. Tungkol naman sa pag-ibig na dapat iukol sa mga kapatid, hindi na kailangang paalalahanan pa kayo dahil itinuro na sa inyo ng Diyos kung paano kayo magmahalan. At ito na nga ang ginagawa ninyo sa mga kapatid sa buong Macedonia. Gayunman, ipinapakiusap pa rin namin sa inyo, mga kapatid, na pag-ibayuhin pa ninyo ang inyong pag-ibig. Pagsikapan ninyong mamuhay nang tahimik, pag-ukulan ninyo ng pansin ang sariling gawain at hindi ang sa iba. Maghanapbuhay kayo tulad ng itinuro namin sa inyo. Dahil dito, igagalang kayo ng mga hindi mananampalataya at hindi na ninyo kailangang umasa sa iba. Mga kapatid, nais naming malaman ninyo ang katotohanan tungkol sa mga namatay na upang hindi kayo magdalamhati tulad ng mga taong walang pag-asa. Dahil naniniwala tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay, naniniwala din tayong bubuhayin ng Diyos upang isama kay Jesus ang lahat ng mga namatay na sumasampalataya sa kanya. Ito ang itinuturo ng Panginoon na sinasabi namin sa inyo: tayong mga nabubuhay pa at natitira pa hanggang sa pagparito ng Panginoon, ay hindi mauuna sa mga namatay na. Sa araw na iyon ay maririnig ang tinig ng arkanghel at ang tunog ng trumpeta ng Diyos, at ang Panginoon mismo ay bababâ mula sa langit na sumisigaw. At ang mga namatay na sumasampalataya kay Cristo ay bubuhayin muna. Pagkatapos, tayo namang mga buháy pa at natitira ay titipunin sa alapaap kasama ng mga binuhay upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Sa gayon, makakapiling natin siya magpakailanman. Kaya nga, palakasin ninyo ang loob ng bawat isa sa pamamagitan ng mga salitang ito. Mga kapatid, hindi na kailangang isulat ko pa sa inyo kung kailan magaganap ang mga bagay na ito, sapagkat alam na ninyo na ang pagdating ng Araw ng Panginoon ay tulad ng pagdating ng magnanakaw sa gabi. Kapag sinasabi ng mga tao, “Tiwasay at panatag ang lahat,” biglang darating ang kapahamakan. Hindi sila makakaiwas sapagkat ang pagdating nito'y tulad ng pagsumpong ng sakit ng tiyan ng isang babaing manganganak. Ngunit wala na kayo sa kadiliman, mga kapatid, kaya't hindi kayo mabibigla sa Araw na iyon na darating na parang magnanakaw. Kayong lahat ay kabilang sa panig ng liwanag, sa panig ng araw, hindi sa panig ng gabi o ng dilim. Kaya nga, kailangang tayo'y manatiling gising, laging handa, at malinaw ang isip, at di tulad ng iba. Sa gabi ay karaniwang natutulog ang tao, at sa gabi rin karaniwang naglalasing. Ngunit dahil tayo'y sa panig ng araw, dapat maging matino ang ating pag-iisip. Isuot natin ang baluti ng pananampalataya at pag-ibig, at isuot ang helmet ng pag-asa sa pagliligtas na gagawin sa atin ng Diyos. Hindi tayo pinili ng Diyos upang bagsakan ng kanyang poot, kundi upang iligtas sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Namatay siya para sa atin upang tayo'y mabuhay na kasama niya, maging buháy man tayo o patay na sa kanyang muling pagparito. Dahil dito, palakasin ninyo ang loob ng isa't isa at magtulungan kayo tulad ng ginagawa ninyo ngayon. Mga kapatid, ipinapakiusap namin na igalang ninyo ang mga nagpapakahirap sa pamamahala at pagtuturo sa inyo alang-alang sa Panginoon. Pag-ukulan ninyo sila ng lubos na paggalang at pag-ibig dahil sa kanilang gawain. Makitungo kayo sa isa't isa nang may kapayapaan. Mga kapatid, ipinapakiusap din namin na inyong pagsabihan ang mga tamad, pasiglahin ang mahihinang-loob, at kalingain ang mga mahihina. Maging matiyaga kayo sa kanilang lahat. Huwag ninyong paghigantihan ang gumawa sa inyo ng masama; sa halip, magpatuloy kayo sa paggawa ng mabuti sa isa't isa at sa lahat. Magalak kayong lagi, palagi kayong manalangin, at magpasalamat kayo sa Diyos sa lahat ng pagkakataon; sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus. Huwag ninyong hadlangan ang Espiritu Santo. Huwag ninyong baliwalain ang anumang pahayag mula sa Diyos. Suriin ninyo ang lahat ng bagay at panghawakan ang mabuti. Lumayo kayo sa lahat ng uri ng kasamaan. Nawa'y lubusan kayong gawing banal ng Diyos na siyang nagbibigay ng kapayapaan. At nawa'y panatilihin niyang walang kapintasan ang buo ninyong katauhan, ang espiritu, kaluluwa at katawan, hanggang sa pagparito ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Tapat ang tumawag sa inyo, at gagawin niya ito. Mga kapatid, ipanalangin din ninyo kami. Batiin ninyo ang lahat ng mga mananampalataya bilang mga minamahal na kapatid kay Cristo. Inaatasan ko kayo sa pangalan ng Panginoon na basahin ang sulat na ito sa lahat ng mga kapatid. Sumainyo nawa ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Mula kina Pablo, Silas, at Timoteo— Para sa iglesya sa Tesalonica, na nasa Diyos na ating Ama at nasa Panginoong Jesu-Cristo. Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at ang kapayapaang mula sa [ating] Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Mga kapatid, tama lamang na kami'y laging magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo, sapagkat patuloy na lumalago ang inyong pananampalataya kay Cristo at lalong nagiging maalab ang inyong pagmamahalan sa isa't isa. Kaya nga, ipinagmamalaki namin kayo sa lahat ng mga iglesya ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya, sa gitna ng mga pag-uusig at mga kahirapang dinaranas ninyo. Ang lahat ng ito'y nagpapatunay na makatarungan ang paghatol ng Diyos, upang gawin niya kayong karapat-dapat sa kanyang kaharian na siyang dahilan ng inyong pagtitiis. Gagawin ng Diyos ang nararapat; tiyak na pahihirapan niya ang mga nagpapahirap sa inyo. Kayo namang mga nagtitiis ay aaliwin niyang kasama namin kapag ang Panginoong Jesus ay inihayag na mula sa langit kasama ang kanyang mga makapangyarihang anghel, na may naglalagablab na apoy. Parurusahan ang lahat ng hindi kumikilala sa Diyos at hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Panginoong Jesus. Magdurusa sila ng walang hanggang kapahamakan at mahihiwalay sila sa Panginoon at sa dakila niyang kapangyarihan. Mangyayari ito sa Araw ng kanyang pagparito upang tumanggap ng papuri mula sa kanyang mga hinirang at ng parangal ng lahat ng sumasampalataya sa kanya. Kabilang kayo roon sapagkat sinampalatayanan ninyo ang patotoong ipinahayag namin sa inyo. Dahil dito, lagi namin kayong idinadalangin sa Diyos, na nawa'y maging karapat-dapat kayo sa pagkatawag niya sa inyo. At sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, nawa'y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng mabuti ninyong hinahangad, at maging ganap ang inyong mga gawaing ibinunga ng pananampalataya. Sa gayon, mapaparangalan ninyo ang pangalan ng ating Panginoong Jesus, at kayo naman ay pararangalan din niya, ayon sa kagandahang-loob ng Diyos at ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Mga kapatid, tungkol naman sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo at sa pagtitipon sa atin upang makapiling niya, nakikiusap kami sa inyo na huwag agad magugulo ang inyong isipan o mababahala kung mabalitaan ninyong dumating na ang Araw ng Panginoon. Huwag kayong maniniwala kahit sabihin pa nilang iyon ay pangangaral o pahayag, o isinulat namin. Huwag kayong magpapadaya kaninuman sa anumang paraan. Hindi darating ang Araw ng Panginoon hangga't di pa nagaganap ang huling paghihimagsik laban sa Diyos at ang paglitaw ng Suwail na itinakda sa kapahamakan. Itataas niya ang kanyang sarili at kakalabanin ang lahat ng kinikilalang diyos at sinasamba ng mga tao. Uupo siya sa Templo ng Diyos at magpapakilalang siya ang Diyos. Hindi ba ninyo natatandaan? Sinabi ko na ito sa inyo nang ako'y kasama pa ninyo. Hindi pa nga lamang nangyayari ito dahil may pumipigil pa, at alam ninyo kung ano iyon. Lilitaw ang Suwail pagdating ng takdang panahon. Ngayon pa man ay gumagawa na ang hiwaga ng kasamaan at mananatiling ganyan hangga't di naaalis ang humahadlang sa kanya. Kung maalis na ang humahadlang, malalantad na ang Suwail. Ngunit pagdating ng Panginoong [Jesus], papatayin niya ang Suwail. Bubugahan niya ito ng hininga mula sa kanyang bibig at pupuksain sa pamamagitan ng kanyang nakakasilaw na liwanag. Paglitaw ng Suwail, taglay niya ang kapangyarihan ni Satanas. Gagawa siya ng lahat ng uri ng mapanlinlang na mga himala at kababalaghan. Gagamit siya ng lahat ng uri ng pandaraya sa mga mapapahamak dahil ayaw nilang mahalin ang katotohanan na makakapagligtas sana sa kanila. Dahil dito, hahayaan ng Diyos na sila'y malinlang ng espiritu ng kamalian at maniwala sa kasinungalingan. Sa gayon, mapaparusahan ang lahat ng natuwa sa paggawa ng kasamaan sa halip na maniwala sa katotohanan. Mga kapatid na minamahal ng Panginoon, dapat kaming magpasalamat palagi sa Diyos dahil sa inyo. Kabilang kayo sa mga unang pinili niya upang pagkalooban ng kaligtasan sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ng inyong pananalig sa katotohanan. Tinawag kayo ng Diyos sa pamamagitan ng Magandang Balita na ipinahayag namin sa inyo upang makasama kayo sa kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Kaya nga, mga kapatid, magpakatatag kayo at panghawakan ninyo ang mga katuruang ipinasa namin sa inyo, sa pamamagitan man ng aming sinabi o isinulat. Aliwin nawa kayo ng ating Panginoong Jesu-Cristo mismo at ng ating Diyos Ama na umibig sa atin, at dahil sa kanyang kagandahang-loob ay nagbigay sa atin ng walang hanggang kaaliwan at magandang pag-asa. Bigyan nawa kayo ng matatag na kalooban para sa lahat ng mabuting gawa at salita. Mga kapatid, bilang pagtatapos, ipanalangin ninyo kami upang ang salita ng Panginoon ay mabilis na lumaganap at parangalan ng lahat, tulad ng ginawa ninyo. Idalangin din ninyong maligtas kami sa mga taong mapaminsala at masasama, sapagkat hindi lahat ay may pananampalataya sa Diyos. Ngunit tapat ang Panginoon; siya ang magpapatatag at mag-iingat sa inyo laban sa Masama. Dahil sa Panginoon, malaki ang aming pagtitiwala na sinusunod ninyo at patuloy na susundin ang mga itinuro namin sa inyo. Patnubayan nawa kayo ng Panginoon upang lalo ninyong maunawaan ang pag-ibig ng Diyos at ang katatagang nagmumula kay Cristo. Mga kapatid, iniuutos namin sa inyo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo na layuan ninyo ang sinumang kapatid na tamad at ayaw sumunod sa mga turo na ibinigay namin sa inyo. Alam naman ninyo na dapat ninyong tularan ang aming ginawa. Hindi kami naging tamad nang kami'y kasama pa ninyo. Hindi kami nakikain kaninuman nang walang bayad. Nagtrabaho kami araw-gabi upang hindi makabigat kaninuman sa inyo. Ginawa namin ito hindi dahil sa wala kaming karapatan sa inyong tulong, kundi upang kayo'y bigyan ng halimbawang dapat tularan. Nang kami ay kasama pa ninyo, ito ang itinuro namin sa inyo, “Ang ayaw magtrabaho ay hindi dapat kumain.” Binanggit namin ito dahil nabalitaan naming may ilan sa inyong ayaw magtrabaho, at walang inaatupag kundi ang makialam sa buhay ng may buhay. Sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo, mahigpit naming iniuutos sa mga taong ito na sila'y maghanapbuhay nang maayos at huwag umasa sa iba. Mga kapatid, huwag kayong magsasawa sa paggawa ng mabuti. Maaaring mayroon sa inyo diyan na hindi susunod sa sinasabi namin sa sulat na ito. Kung magkagayon, tandaan ninyo siya at huwag kayong makisama sa kanya, upang siya'y mapahiya. Ngunit huwag naman ninyo siyang ituring na kaaway; sa halip, pagsabihan ninyo siya bilang kapwa mananampalataya. Ang Panginoon na pinagmumulan ng kapayapaan ang siya nawang magkaloob sa inyo ng kapayapaan sa lahat ng paraan at pagkakataon. Nawa'y sumainyong lahat ang Panginoon. Ako mismong si Pablo ang sumusulat ng pagbating ito. Ito ang aking lagda sa lahat ng sulat ko. Ganito ako sumulat. Sumainyo nawang lahat ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas at ni Cristo Jesus na ating pag-asa— Kay Timoteo na tunay kong anak sa pananampalataya. Sumaiyo nawa ang kagandahang-loob, habag at kapayapaang buhat sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon. Gaya ng ipinakiusap ko sa iyo bago ako pumunta sa Macedonia, nais kong manatili ka sa Efeso upang utusan mo ang ilang tao diyan na huwag magturo ng maling aral, at huwag nilang pag-aksayahan ng panahon ang mga alamat at mahahabang talaan ng mga angkan. Iyan ay pinagmumulan lamang ng mga pagtatalo at hindi nakakatulong sa tao upang matupad ang plano ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. Ang layunin ng tagubiling ito ay upang magkaroon kayo ng pag-ibig na nagmumula sa pusong dalisay, malinis na budhi at tapat na pananampalataya. May ilang tumalikod sa mga bagay na ito at nalulong sa walang kabuluhang talakayan. Nais nilang maging tagapagturo ng kautusan gayong hindi naman nila nauunawaan ang kanilang sinasabi at ang kanilang mga itinuturo nang may buong tiwala sa sarili. Alam naman nating ang Kautusan ay mabuti kung ginagamit sa tamang paraan. Alalahanin nating ang Kautusan ay hindi ginawa para sa mabubuting tao, kundi para sa mga walang kinikilalang batas at mga kriminal, para sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga makasalanan, para sa mga lapastangan sa Diyos at walang hilig sa kabanalan, para sa mga mamamatay-tao at pumapatay ng sariling ama o ina. Ibinigay rin ang Kautusan para sa mga mahihilig sa kahalayan at nakikipagtalik sa kapwa lalaki, para sa mga kidnaper, para sa mga sinungaling at sa mga bulaang saksi. Ang Kautusan ay ibinigay para sa lahat ng mga sumasalungat sa mabuting aral. Ang aral na ito'y ayon sa Magandang Balita na ipinagkatiwala sa akin ng maluwalhati at mapagpalang Diyos. Nagpapasalamat ako sa ating Panginoong Jesu-Cristo na nagbibigay sa akin ng lakas, dahil itinuring niya akong karapat-dapat na maglingkod sa kanya, kahit na noong una'y nilapastangan, inusig at nilait ko siya. Sa kabila nito'y nahabag sa akin ang Diyos sapagkat hindi ko nalalaman ang aking ginagawa noong ako'y hindi pa sumasampalataya. Pinasagana sa akin ang kagandahang-loob ng ating Panginoon at ipinagkaloob niya sa akin ang pananampalataya at pag-ibig na natatagpuan sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus. Totoo ang pahayag na ito at dapat paniwalaan ng lahat: Si Cristo Jesus ay dumating sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamasama sa kanila. Ngunit akong pinakamasama ay kinahabagan, upang ipakita ni Cristo Jesus sa pamamagitan ko, ang kanyang lubos na pagtitiyaga, at upang ito'y maging halimbawa sa mga sasampalataya at bibigyan ng buhay na walang hanggan. Purihin natin at luwalhatiin magpakailanman ang iisang Diyos, Haring walang hanggan, walang kamatayan at di-nakikita! Amen. Timoteo, anak ko, ang mga bagay na ito'y itinatagubilin ko sa iyo ayon sa mga pahayag na sinabi tungkol sa iyo upang sa pamamagitan ng mga ito ay makipaglaban kang mabuti, taglay ang matibay na pananampalataya at malinis na budhi. May mga taong hindi sumunod sa kanilang budhi, at dahil dito, ang pananampalataya nila ay natulad sa isang barkong nawasak. Kabilang sa mga iyon sina Himeneo at Alejandro, na ipinaubaya ko na sa kapangyarihan ni Satanas upang turuan silang huwag lumapastangan sa Diyos. Una sa lahat, ipinapakiusap kong idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan, panalangin, pagsamo, at pasasalamat para sa lahat ng tao. Idalangin rin ninyo ang mga hari at maykapangyarihan, upang tayo'y makapamuhay nang matahimik, mapayapa, maka-Diyos at marangal. Ito ang mabuti at nakalulugod sa Diyos na ating Tagapagligtas. Ibig niyang ang lahat ng tao ay maligtas at makaalam ng katotohanang ito. Sapagkat iisa ang Diyos at iisa ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus. Inihandog niya ang kanyang buhay upang tubusin ang lahat mula sa kasalanan. Ang katotohanang ito ay pinatunayan sa takdang panahon. Dahil dito, ako'y pinili upang maging mangangaral, apostol at tagapagturo ng pananampalataya at katotohanan para sa mga Hentil. Totoo ang sinasabi ko, at hindi ako nagsisinungaling! Sa lahat ng dako, nais kong ang mga lalaki ay manalangin nang may malinis na puso, walang sama ng loob at galit sa kapwa. Ang mga babae naman ay dapat maging mahinhin, maayos at kagalang-galang sa pananamit at ayos ng buhok. Hindi sila dapat maging magarbo sa pananamit at maluho sa mga mamahaling alahas na ginto o perlas. Sa halip, ang maging palamuti nila ay ang mabubuting gawa, gaya ng nararapat sa mga babaing itinuturing na maka-Diyos. Ang mga babae ay dapat matuto nang tahimik at nagpapasakop. Hindi ko pinapayagan ang mga babae na magturo o mamuno sa mga lalaki, kundi dapat silang manahimik. Sapagkat unang nilalang si Adan bago si Eva, at hindi si Adan ang nadaya kundi si Eva ang nadaya at nagkasala. Ngunit maliligtas ang babae sa pagsisilang ng sanggol, kung magpapatuloy siya sa pananampalataya, pag-ibig, kabanalan at maayos na pamumuhay. Totoo ang pahayag na ito: Ang sinumang nagnanais na maging tagapangasiwa sa iglesya ay naghahangad ng mabuting gawain. Kaya nga, ang isang tagapangasiwa ay kailangang walang kapintasan; isa lamang ang asawa, matino ang pag-iisip, marunong magpigil sa sarili, kagalang-galang, bukás ang tahanan sa iba, at may kakayahang magturo. Dapat hindi siya lasenggo, hindi marahas kundi mahinahon; hindi mahilig makipag-away at hindi maibigin sa salapi. Dapat mahusay siyang mamahala sa sariling pamilya, iginagalang at sinusunod ng kanyang mga anak. Sapagkat paano siyang makakapangasiwa nang maayos sa iglesya ng Diyos kung hindi niya mapamahalaan ang sarili niyang pamilya? Hindi siya dapat isang baguhang mananampalataya; baka siya'y maging palalo at mahatulan na gaya ng diyablo. Bukod dito, kailangang mabuti ang pagkakilala sa kanya ng mga hindi sumasampalataya upang hindi siya mapintasan at hindi mahulog sa bitag ng diyablo. Ang mga tagapaglingkod naman ay dapat ding maging kagalang-galang, tapat mangusap, hindi lasenggo at hindi sakim sa salapi. Kailangang sila'y tapat sa pananampalataya na ating ipinapahayag, at may malinis na budhi. Kailangang subukin muna sila, at kung mapatunayang sila'y karapat-dapat, saka sila gawing mga tagapaglingkod. Gayundin naman, ang kanilang mga asawa ay dapat maging kagalang-galang, hindi mapanirang-puri, mapagtimpi at tapat sa lahat ng mga bagay. Ang mga tagapaglingkod sa iglesya ay dapat isa lamang ang asawa at maayos mangasiwa sa kanilang mga anak at sambahayan. Ang mga tagapaglingkod na tapat sa tungkulin ay nagkakamit ng paggalang ng mga tao at nagkakaroon ng malaking tiwala dahil sa pananampalataya kay Cristo Jesus. Umaasa akong magkikita tayo sa lalong madaling panahon, ngunit isinulat ko ang mga ito upang kung hindi man ako makarating agad ay malaman mo kung ano ang dapat na maging ugali ng mga tao sa sambahayan ng Diyos na buháy, sa iglesya na haligi at saligan ng katotohanan. Hindi maikakaila na napakadakila ng hiwaga ng ating relihiyon: Siya'y nahayag sa anyong tao, pinatunayang matuwid ng Espiritu, at nakita ng mga anghel. Ipinangaral sa mga bansa, pinaniwalaan sa sanlibutan, at itinaas sa kaluwalhatian. Maliwanag ang sinasabi ng Espiritu na sa mga huling araw ay tatalikuran ng ilan ang pananampalataya. Susunod sila sa mga mapanlinlang na espiritu at sa mga katuruan ng mga demonyo. Ang mga katuruang ito'y pinalalaganap ng mga taong sinungaling at may mga manhid na budhi. Ipinagbabawal nila ang pag-aasawa at ang ilang uri ng pagkain, mga pagkaing nilikha ng Diyos upang kaining may pasasalamat ng mga mananampalataya at nakakaunawa ng katotohanan. Ang lahat ng nilikha ng Diyos ay mabuti at walang dapat ipalagay na masama; sa halip ay dapat tanggaping may pagpapasalamat sapagkat ang mga ito'y nililinis ng salita ng Diyos at ng panalangin. Kung ituturo mo sa mga kapatid ang mga bagay na ito, ikaw ay magiging mabuting lingkod ni Cristo Jesus. At habang itinuturo mo ito, dinudulutan mo rin ang iyong sarili ng pagkaing espirituwal mula sa mga salita ng pananampalataya at sa tunay na aral na sinusunod mo. Huwag mong pag-aksayahan ng panahon ang mga alamat na walang halaga; sa halip, sanayin mo ang iyong sarili sa maka-Diyos na pamumuhay. Sa pagsasanay ng katawan ay mayroon ding pakinabang, ngunit ang maka-Diyos na pamumuhay ay mapapakinabangan sa lahat ng paraan, sapagkat ito'y may pangako hindi lamang para sa buhay na ito ngayon, kundi maging sa buhay na darating. Totoo ang salitang ito at dapat paniwalaan ng lahat. Dahil dito, nagsisikap tayo at nagpapagal, sapagkat umaasa tayo sa Diyos na buháy at Tagapagligtas ng lahat ng mga tao, lalo na ng mga sumasampalataya. Ituro mo't ipatupad ang lahat ng ito. Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman dahil sa iyong kabataan. Sa halip, sikapin mong maging halimbawa sa mga mananampalataya, sa iyong pagsasalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya at malinis na pamumuhay. Habang wala pa ako riyan, iukol mo ang iyong panahon sa pagbabasa ng Kasulatan sa harap ng mga tao, sa pangangaral at sa pagtuturo. Huwag mong pabayaan ang kaloob na ibinigay sa iyo nang magsalita ang mga propeta at ipatong sa iyo ng mga matatandang pinuno ng iglesya ang kanilang kamay. Isagawa mo ang mga ito at pag-ukulan mo ng panahon upang makita ng lahat ang iyong paglago. Pakaingatan mo ang iyong sarili at ang iyong pagtuturo. Patuloy mong gawin ang mga ito sapagkat sa paggawa mo nito ay maliligtas ka, pati na ang mga nakikinig sa iyo. Huwag mong pagagalitan ang nakatatandang lalaki, kundi pagsabihan mo siya nang mahinahon na parang sarili mong ama. Pakitunguhan mo namang parang kapatid ang mga nakababatang lalaki. Ituring mong parang sariling ina ang nakatatandang babae, at pakitunguhan mo nang may lubos na kalinisan ang mga kabataang babae na tulad sa iyong mga kapatid. Igalang mo ang mga biyudang wala nang ibang maaasahan sa buhay. Subalit kung ang isang biyuda ay may mga anak o apo, sila ang unang dapat kumalinga sa kanya bilang pagtanaw ng utang na loob, sapagkat ito ay nakalulugod sa Diyos. Ang biyuda na walang ibang maaasahan sa buhay ay sa Diyos na lamang umaasa, kaya't patuloy siyang nananalangin araw at gabi. Samantala, ang biyudang mahilig sa kalayawan ay maituturing nang patay, bagaman siya'y buháy. Ipatupad mo sa kanila ang utos na ito upang walang maisumbat sa kanila ang sinuman. Ang sinumang hindi kumakalinga sa kanyang mga kamag-anak, lalo na sa mga kabilang sa kanyang pamilya, ay tumalikod na sa pananampalataya, at mas masama pa kaysa sa isang di-mananampalataya. Ang biyudang dapat isama sa listahan ng tutulungan ay iyong di bababâ sa animnapung taong gulang, naging tapat sa kanyang asawa, kilala sa paggawa ng kabutihan, nagpalaki nang maayos sa kanyang mga anak, magiliw tumanggap sa nakikituloy sa kanyang tahanan, naglingkod nang may kababaang-loob sa mga hinirang ng Diyos, tumulong sa mga nangangailangan at inialay ang sarili sa paggawa ng mabuti. Huwag mong isasama sa listahan ang mga nakababatang biyuda, sapagkat kapag nag-alab ang kanilang pagnanasa, mapapalayo sila kay Cristo, at mag-aasawang muli. Sa gayon, nagkakasala sila dahil sa hindi pagtupad sa una nilang pangako kay Cristo. Bukod dito, sila'y nagiging tamad at nag-aaksaya ng panahon sa pangangapitbahay; at sila'y nagiging tsismosa, mahihilig makialam sa buhay ng may buhay at nagsasalita ng mga bagay na hindi nila dapat sabihin. Kaya't para sa akin, mabuti pang sila'y mag-asawang muli, magkaanak at mag-asikaso ng tahanan, upang ang ating kaaway ay hindi magkaroon ng dahilan upang mapintasan tayo, sapagkat may ilan nang biyudang sumunod kay Satanas. Kailangang alagaan ng babaing mananampalataya ang mga kamag-anak nilang biyuda upang hindi sila maging pabigat sa iglesya. Sa gayon, ang aalagaan ng iglesya ay iyon lamang mga biyudang walang ibang maaasahan sa buhay. Ang mga matatandang pinuno ng iglesya na mahusay mamahala ay karapat-dapat tumanggap ng paggalang at kabayaran, lalo na ang mga masigasig sa pangangaral at pagtuturo ng salita ng Diyos. Sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Huwag mong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik.” Nasusulat din, “Karapat-dapat lamang na bayaran ang manggagawa.” Huwag mong tatanggapin ang anumang paratang laban sa isang matandang pinuno ng iglesya kung walang patotoo ng dalawa o tatlong saksi. Pagsabihan mo sa harap ng lahat ang sinumang ayaw tumigil sa paggawa ng masama para matakot ang iba. Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus at ng kanyang banal na mga anghel, iniuutos kong sundin mo ang mga bagay na ito nang walang kinikilingan o itinatangi. Huwag mong ipapatong agad ang iyong kamay sa sinuman upang bigyan ito ng kapangyarihang mamahala. Ingatan mong huwag kang masangkot sa kasalanan ng iba; manatili kang walang dungis. Huwag tubig lamang ang iyong inumin; uminom ka rin ng kaunting alak para sa madalas na pagsakit ng iyong sikmura. May mga taong lantad na ang kasalanan bago pa dumating ang paghuhukom. At mayroon din namang ang kasalanan ay mahahayag sa bandang huli. Gayundin naman, may mabubuting gawa na kapansin-pansin; at kung hindi man mapansin, ang mga ito'y hindi maililihim habang panahon. Ang mga alipin ay dapat magpakita ng buong paggalang sa kanilang mga amo upang walang masabing masama laban sa pangalan ng Diyos at sa ating aral. At kung ang kanila namang amo ay kapwa nila mananampalataya, ang kanilang pagiging magkapatid ay hindi dapat maging dahilan ng hindi nila paggalang sa mga ito. Sa halip, dapat pa nga nilang pagbutihin ang kanilang paglilingkod sapagkat ang nakikinabang sa kanilang paglilingkod ay mga mananampalatayang minamahal nila. Ituro mo't ipatupad ang mga bagay na ito. Kung nagtuturo ang sinuman ng ibang katuruan at di sang-ayon sa mga tunay na salita ng Panginoong Jesu-Cristo at sa mga aral tungkol sa pagiging maka-Diyos, siya ay nagyayabang ngunit walang nalalaman. Sakit na niya ang manuligsa at makipagtalo tungkol sa mga salita, bagay na humahantong sa inggitan, alitan, kutyaan, at masasamang hinala. Mahilig din siyang makipagtalo sa mga taong baluktot ang pag-iisip at di kumikilala sa katotohanan. Ang mga taong ito'y nag-aakala na ang relihiyon ay paraan ng pagpapayaman. Sa katunayan, may malaki ngang pakinabang sa relihiyon kung ang tao'y marunong masiyahan. Wala tayong dinalang anuman sa sanlibutan, at wala rin tayong madadalang anuman pag-alis dito. Kaya, dapat tayong masiyahan kung tayo'y may pagkain at pananamit. Ang mga nagnanasang yumaman ay nahuhulog sa tukso at nasisilo sa bitag ng masasama at mga hangal na hangarin na nagtutulak sa kanila sa kamatayan at kapahamakan. Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng kasamaan. Dahil sa paghahangad na yumaman, may mga taong nalalayo sa pananampalataya at nasasadlak sa maraming kapighatian. Ngunit ikaw na lingkod ng Diyos, umiwas ka sa mga bagay na ito. Sikapin mong mamuhay nang matuwid, maka-Diyos, may pananampalataya, pag-ibig, pagtitiis at kaamuan. Ipaglaban mo nang mabuti ang pananampalataya. Panghawakan mo ang buhay na walang hanggan, dahil diyan ka tinawag ng Diyos nang ipahayag mo sa harap ng maraming saksi ang iyong pananalig kay Cristo. Iniuutos ko sa iyo, sa harapan ng Diyos na nagbibigay-buhay sa lahat, at sa harapan ni Cristo Jesus na nagbigay ng mabuting patotoo sa harap ni Poncio Pilato, sundin mong mabuti nang may katapatan ang mga iniutos sa iyo hanggang sa pagbabalik ng Panginoong Jesu-Cristo. Siya'y darating sa panahong itinakda ng mapagpala at makapangyarihang Diyos, Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon. Siya lamang ang walang kamatayan, at nananatili sa liwanag na di matitigan. Walang taong nakakita, o makakakita sa kanya. Sa kanya ang karangalan at kapangyarihang walang hanggan. Amen. Ang mayayaman sa materyal na bagay ay utusan mong huwag magmataas at huwag umasa sa kayamanang lumilipas. Sa halip, umasa sila sa Diyos na masaganang nagbibigay ng lahat ng mga bagay para sa ating kasiyahan. Utusan mo silang gumawa ng mabuti at magpakayaman sa mabubuting gawa, maging bukas-palad at matulungin sa kapwa. Sa gayon, makakapag-impok sila para sa mabuting pundasyon sa hinaharap, at makakamtan nila ang tunay na buhay. Timoteo, pakaingatan mo ang ipinagkatiwala sa iyo. Iwasan mo ang mga usapang lumalapastangan sa Diyos at ang mga pagtatalo tungkol sa hindi totoong karunungan. Dahil sa kanilang pag-aangking mayroon sila nito, may mga nalihis na sa pananampalataya. Sumainyo ang kagandahang-loob ng Diyos. Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos upang ipangaral ang tungkol sa buhay na ipinangakong makakamtan natin sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo Jesus— Kay Timoteo na minamahal kong anak. Sumaiyo nawa ang kagandahang-loob, kahabagan, at kapayapaang mula sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon. Tuwing inaalala kita sa aking panalangin araw at gabi, nagpapasalamat ako sa Diyos na aking pinaglilingkuran nang may malinis na budhi gaya ng ginawa ng aking mga ninuno. Kapag naaalala ko ang iyong pagluha, nananabik akong makita ka upang malubos ang aking kagalakan. Hindi ko nalilimutan ang tapat mong pananampalataya, na naunang tinaglay ng iyong lolang si Loida at ni Eunice na iyong ina. Natitiyak kong nasa iyo rin ang pananampalatayang ito. Dahil dito, ipinapaalala ko sa iyo na pag-alabin mong muli ang kaloob na ibinigay sa iyo ng Diyos nang ipatong ko sa iyo ang aking mga kamay. Sapagkat ang espiritung ibinigay sa atin ng Diyos ay hindi espiritu ng kahinaan ng loob, kundi espiritu ng kapangyarihan, pag-ibig at pagpipigil sa sarili. Kaya't huwag kang mahihiyang magpatotoo para sa ating Panginoon, at huwag mo rin akong ikakahiya, na isang bilanggo alang-alang sa kanya. Sa halip, makihati ka sa pagtitiis para sa Magandang Balita. Umasa ka sa kapangyarihan ng Diyos na nagligtas at tumawag sa atin para sa isang banal na gawain. Ginawa niya ito, hindi dahil sa anumang nagawa natin, kundi ayon sa kanyang layunin at kagandahang-loob. Sa simula pa, ito ay ibinigay na niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus, ngunit ito'y nahayag na ngayon, nang dumating si Cristo Jesus na ating Tagapagligtas. Winakasan niya ang kapangyarihan ng kamatayan at inihayag ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng Magandang Balita. Para sa Magandang Balitang ito, ako'y itinalagang mangangaral, apostol at guro, at iyan ang dahilan kaya ako nagdurusa nang ganito. Ngunit hindi ako nahihiya, sapagkat kilala ko ang aking sinasampalatayanan at natitiyak kong maiingatan niya hanggang sa huling araw ang ipinagkatiwala ko sa kanya. Gawin mong batayan ang mabubuting aral na itinuro ko sa iyo, at manatili ka sa pananampalataya at sa pag-ibig na tinanggap natin sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus. Sa tulong ng Espiritu Santo na nananatili sa atin, ingatan mo ang mabuting bagay na ipinagkatiwala sa iyo. Alam mong ako'y iniwan ng lahat ng mga nasa Asia, kabilang sina Figelo at Hermogenes. Kahabagan nawa ng Panginoon ang sambahayan ni Onesiforo sapagkat sa maraming pagkakataon ay pinasigla niya ako at hindi niya ako ikinahiya kahit ako'y isang bilanggo. Sa katunayan, pagdating niya sa Roma, pilit niya akong hinanap hanggang sa ako'y kanyang matagpuan. Kahabagan nawa siya ng Panginoon sa Araw na iyon. Alam mo naman kung paano niya ako pinaglingkuran sa Efeso. Kaya nga, anak ko, magpakatatag ka sa tulong ng kagandahang-loob ni Cristo Jesus. Ang mga narinig mo sa akin sa harap ng maraming saksi ay ipagkatiwala mo rin sa mga taong may katapatan at may kakayahang magturo naman sa iba. Makibahagi ka sa hirap tulad ng isang mabuting kawal ni Cristo Jesus. Ang isang kawal ay hindi nagiging abala sa mga bagay na walang kaugnayan sa pagiging kawal; sa halip, sinisikap niyang mabigyan ng kasiyahan ang kanyang pinuno. Hindi maaaring gantimpalaan ang isang manlalaro kung hindi siya naglalaro ayon sa mga alituntunin. Ang magsasakang nagtatrabahong mabuti ang siyang dapat unang makinabang sa bunga ng kanyang pinaghirapan. Isipin mong mabuti ang sinasabi ko sa iyo at ipapaunawa sa iyo ng Panginoon ang lahat ng ito. Alalahanin mo si Jesu-Cristo, ang muling binuhay at nagmula sa angkan ni David, ayon sa Magandang Balitang ipinapangaral ko. Ito ang dahilan ng aking pagdurusa at pagkagapos na parang isang kriminal. Subalit hindi kailanman maigagapos ang salita ng Diyos. Tinitiis ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mga hinirang ng Diyos upang magkaroon sila ng kaligtasan at walang hanggang kaluwalhatian mula kay Cristo Jesus. Totoo ang kasabihang ito: “Kung tayo'y namatay na kasama ni Jesu-Cristo, mabubuhay din tayong kasama niya. Kung tayo'y nagtitiis ng hirap sa mundong ito, maghahari din tayong kapiling niya. Kapag itinakwil natin siya, itatakwil rin niya tayo. Kung tayo man ay hindi tapat, siya'y nananatiling tapat pa rin sapagkat hindi niya maaaring itakwil ang kanyang sarili.” Ipaalala mo sa kanila ang mga bagay na ito at pagbilinan mo sila, sa pangalan ng Diyos, na iwasan nila ang mga pagtatalo tungkol sa mga salita na walang kabuluhan at walang ibinubungang mabuti; sa halip, ito'y nagpapahamak lamang sa mga nakikinig. Sikapin mong maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos, isang manggagawang walang dapat ikahiya at tama ang paggamit sa salita ng katotohanan. Iwasan mo ang mga usapang walang paggalang sa Diyos, sapagkat ang mga iyan ang lalong naglalayo ng mga tao sa Diyos. Ang mga salita nila ay parang ganggrena na kumakalat sa katawan. Kabilang sa mga nagturo ng ganito ay sina Himeneo at Fileto. Lumihis sila sa katotohanan at ginugulo nila ang pananampalataya ng iba sa pamamagitan ng pagtuturo na ang muling pagkabuhay ay naganap na. Ngunit matibay ang pundasyong itinatag ng Diyos, at doo'y nakatatak: “Kilala ng Panginoon kung sinu-sino ang tunay na kanya,” at, “Ang bawat nagsasabing siya'y sa Panginoon ay dapat lumayo sa kasamaan.” Sa isang malaking bahay ay may iba't ibang uri ng kasangkapan; may yari sa ginto o pilak, at mayroon namang yari sa kahoy o putik. May ginagamit para sa mga tanging okasyon at mayroon namang pang-araw-araw. Ang sinumang lumalayo sa kasamaan ay katulad ng sisidlang natatangi, malinis at karapat-dapat gamitin ng may-ari para sa lahat ng mabubuting gawain. Kaya nga, iwasan mo ang masasamang hilig ng kabataan, sa halip ay pagsikapan mong maging matuwid, tapat, mapagmahal at mapayapa, kasama ng mga taong may pusong malinis na tumatawag sa Panginoon. Iwasan mo ang mga hangal at walang kabuluhang pakikipagtalo sapagkat alam mo namang nauuwi lamang iyan sa mga pag-aaway. Ang lingkod ng Panginoon ay hindi dapat makipag-away, sa halip ay dapat siyang maging mabait sa lahat, mahusay magturo at matiyaga. Mahinahon niyang itinutuwid ang mga sumasalungat sa kanya, baka sakaling sila'y bigyan ng Diyos ng pagkakataong magsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan at malaman nila ang katotohanan. Sa gayon, maliliwanagan ang kanilang isip at makakawala sila sa bitag ng diyablo na bumihag sa kanila upang kanilang sundin ang kagustuhan niya. Dapat mong malaman na sa mga huling araw ay darating ang mga panahon ng kaguluhan. Sapagkat ang mga tao'y magiging maibigin sa sarili, maibigin sa salapi, palalo, mapagmataas, mapagsamantala, suwail sa magulang, walang utang na loob at lapastangan sa Diyos. Sila'y magiging walang pagmamahal sa kapwa, walang habag, mapanirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, marahas, at walang pagpapahalaga sa mabuti. Sila'y magiging mga taksil, padalus-dalos, mayayabang, maibigin sa kalayawan sa halip na maibigin sa Diyos. Sila'y may anyo ng pagiging maka-Diyos, ngunit hindi naman nakikita ang kapangyarihan nito sa kanilang pamumuhay. Iwasan mo ang ganyang uri ng mga tao. May ilan sa kanila na gagamit ng panlilinlang upang makapasok sa mga bahay ng mga babaing madaling malinlang. Ang mga babaing ito'y inuusig ng bigat ng kanilang mga pagkakasala at itinutulak sa sari-saring pagnanasa. Lahat na'y gustong matutunan ng mga babaing ito ngunit kailanma'y hindi nila nauunawaan ang katotohanan. At tulad nina Janes at Jambres na sumalungat kay Moises, sila ay sumasalungat din sa katotohanan. Wala silang iniisip na kabutihan at hindi tunay ang kanilang pananampalataya. Ngunit hindi magpapatuloy ang kanilang kasamaan, sapagkat makikita ng lahat ang kanilang kahangalan, gaya ng nangyari kina Janes at Jambres. Ngunit sinunod mo ang aking itinuro sa iyo, ang aking ugali at layunin sa buhay. Tinularan mo ang aking pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig at katapatan. Nasaksihan mo ang mga pag-uusig at paghihirap na dinanas ko sa Antioquia, Iconio at Listra. Napagtiisan ko ang mga ito! At sa lahat ng ito ay iniligtas ako ng Panginoon. Gayundin naman, ang lahat ng nagnanais mamuhay nang matuwid bilang tagasunod ni Cristo Jesus ay daranas ng mga pag-uusig, samantalang ang masasama ay lalo namang magpapakasama, at ang manlilinlang ay patuloy na manlilinlang at sila man ay malilinlang din. Ngunit ikaw, magpatuloy ka sa mga aral na natutunan mo at matibay mong pinaniwalaan, sapagkat kilala mo ang mga nagturo nito sa iyo. Mula pa sa pagkabata alam mo na ang Banal na Kasulatan, na may kapangyarihang magbigay sa iyo ng karunungan tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at kapaki-pakinabang sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagsaway sa kamalian, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay, upang ang lingkod ng Diyos ay maging ganap at handa sa lahat ng mabubuting gawain. Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus na hahatol sa mga buháy at sa mga patay, alang-alang sa kanyang pagdating bilang hari, inaatasan kita: ipangaral mo ang salita ng Diyos; pagsikapan mong gawin iyan napapanahon man o hindi. Himukin mo at pagsabihan ang mga tao, at palakasin ang kanilang loob sa pamamagitan ng matiyagang pagtuturo. Sapagkat darating ang panahong hindi na sila makikinig sa wastong katuruan; sa halip, susundin nila ang kanilang hilig. Maghahanap sila ng mga tagapagturo na walang ituturo kundi ang ibig lamang nilang marinig. Hindi na sila makikinig sa katotohanan, sa halip ay ibabaling ang kanilang pansin sa mga kathang-isip. Ngunit ikaw, maging mahinahon ka sa lahat ng oras, magtiis ka sa panahon ng kahirapan. Gampanan mo ang tungkulin ng isang mangangaral ng Magandang Balita at tuparin mo nang lubos ang iyong paglilingkod. Sapagkat dumating na ang panahon ng pagpanaw ko sa buhay na ito. Ako'y mistulang isang handog na ibinubuhos sa dambana. Pinagbuti ko ang aking pakikipaglaban, natapos ko na ang dapat kong takbuhin, at nanatili akong tapat sa pananampalataya. Kaya naghihintay sa akin ang koronang gantimpala para sa mga namuhay ayon sa kalooban ng Diyos. Sa Araw na iyon, ang Panginoon na siyang makatarungang Hukom, ang siyang magpuputong sa akin ng korona; hindi lamang sa akin, kundi sa lahat ng nananabik sa kanyang pagbabalik. Sikapin mong makapunta dito sa lalong madaling panahon. Iniwan na ako ni Demas dahil sa kanyang pag-ibig sa daigdig na ito; pumunta siya sa Tesalonica. Si Cresente naman ay nagpunta sa Galacia, at si Tito sa Dalmacia. Si Lucas na lamang ang kasama ko rito. Hanapin mo si Marcos at isama mo rito, sapagkat malaki ang maitutulong niya sa aking mga gawain. Pinapunta ko sa Efeso si Tiquico. Pagpunta mo rito, dalhin mo ang aking balabal na naiwan ko sa Troas sa bahay ni Carpo. Dalhin mo rin ang mga aklat, lalo na iyong mga gawa sa balat ng hayop. Napakasama ng ginawa sa akin ng panday na si Alejandro. Pagbabayarin siya ng Panginoon sa kanyang mga ginawa. Mag-ingat ka sa kanya, sapagkat mahigpit niyang sinalungat ang ipinapangaral natin. Sa unang pagharap ko sa hukuman ay walang sumama sa akin; pinabayaan nila akong mag-isa. Patawarin nawa sila ng Diyos. Ngunit sinamahan ako ng Panginoon at binigyan ng lakas upang makapangaral nang lubusan sa lahat ng Hentil, at ako'y naligtas sa tiyak na kamatayan. Ang Panginoon ang magliligtas sa akin sa lahat ng kasamaan at siya rin ang maghahatid sa akin nang ligtas sa kanyang kaharian sa langit. Purihin nawa siya magpakailanman! Amen. Ikumusta mo ako kina Priscila at Aquila, at sa sambahayan ni Onesiforo. Nagpaiwan sa Corinto si Erasto; si Trofimo nama'y iniwan ko sa Mileto na may sakit. Pilitin mong makapunta dito bago magtaglamig. Kinukumusta ka nina Eubulo, Pudente, Lino, Claudia at lahat ng mga kapatid. Samahan nawa ng Panginoon ang iyong espiritu. Sumainyo nawang lahat ang kagandahang-loob ng Diyos. Mula kay Pablo, lingkod ng Diyos at apostol ni Jesu-Cristo. Sinugo ako upang patibayin ang pananampalataya ng mga hinirang ng Diyos, at upang palawakin ang kanilang kaalaman sa katotohanan tungkol sa pamumuhay na maka-Diyos, at bigyan sila ng pag-asa sa buhay na walang hanggan. Bago pa likhain ang sanlibutan, ang buhay na ito'y ipinangako na ng Diyos na kailanma'y hindi nagsisinungaling. Ipinahayag niya ito sa kanyang salita sa takdang panahon, at ako ang napagkatiwalaang mangaral nito, ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas. Kay Tito, na tunay kong anak sa iisa nating pananampalataya. Sumaiyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos Ama at mula sa ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus. Iniwan kita sa Creta upang ayusin mo ang mga bagay na dapat pang ayusin at upang magtalaga ka ng matatandang pinuno ng iglesya sa bawat bayan, ayon sa iniutos ko sa iyo. Italaga mo ang mga taong walang kapintasan; isa lamang ang asawa, at ang mga anak ay mananampalataya, may pagpipigil sa sarili at hindi suwail. Bilang katiwala ng Diyos, kailangang walang kapintasan ang isang tagapangasiwa ng iglesya. Hindi siya dapat mayabang, hindi magagalitin, hindi lasenggo, hindi mapusok o sakim, bukás ang tahanan sa mga panauhin, maibigin sa kabutihan, mahinahon, matuwid, may kabanalan, at marunong magpigil sa sarili. Kailangang matatag siyang nananalig sa mga tunay na aral na natutunan niya, upang ito'y maituro naman niya sa iba at maipakita ang kamalian ng mga sumasalungat dito. Sapagkat maraming tao, lalung-lalo na ang mga galing sa Judaismo, ang suwail at nanlilinlang sa iba sa pamamagitan ng mga katuruang walang kabuluhan. Kailangang pigilan sila sa kanilang mga ginagawa sapagkat ginugulo nila ang mga pamilya at nagtuturo ng mga bagay na hindi dapat ituro, kumita lamang sila ng salapi. Isa na ring taga-Creta na kinikilala nilang propeta ang nagsabi, “Ang mga taga-Creta ay palaging sinungaling, asal-hayop, batugan, at matakaw.” Tama ang kanyang sinabi, kaya't mahigpit mo silang pagsabihan upang maging wasto ang kanilang pananampalataya, at huwag nang maniwala pa sa mga alamat ng mga Judio, o sa katuruan ng mga taong tumalikod sa katotohanan. Malinis ang lahat ng bagay sa may malinis na isipan, ngunit sa masasama at di-sumasampalataya, walang bagay na malinis sapagkat marumi ang kanilang budhi at isipan. Ang sabi nila'y kilala nila ang Diyos, ngunit ito'y pinapasinungalingan ng kanilang mga gawa. Sila'y kasuklam-suklam, suwail at hindi nababagay sa gawang mabuti. Kaya naman ituro mo ang mga bagay na angkop sa wastong aral. Sabihin mo sa mga nakatatandang lalaki na sila'y maging mapagpigil sa sarili, marangal, makatuwiran, at matatag sa pananampalataya, sa pag-ibig at pagtitiis. Sabihin mo sa mga nakatatandang babae na sila'y mamuhay nang may kabanalan, huwag maninirang-puri, at huwag malululong sa alak, kundi magturo ng mabuti, upang maakay nila ang mga kabataang babae na mahalin ang kanilang mga asawa at mga anak. Ang mga kabataang ito'y kailangan ding turuan na maging makatuwiran, malinis ang isipan, masipag sa gawaing bahay, mabait, at masunurin sa kanilang asawa upang walang masabi ang sinuman laban sa salita ng Diyos nang dahil sa kanila. Turuan mo rin ang mga kabataang lalaki na maging mapagpigil sa sarili. Sa lahat ng paraan, maging halimbawa ka ng mabuting ugali at maging tapat ka at kagalang-galang sa iyong pagtuturo. Nararapat na pananalita ang lagi mong gamitin upang hindi mapintasan ninuman ang mga sinasabi mo. Sa gayon, mapapahiya ang ating mga kalaban sapagkat wala silang masasabing masama laban sa atin. Turuan mo ang mga alipin na maging masunurin at kalugud-lugod sa kanilang mga amo. Hindi nila dapat sagut-sagutin ang mga ito, ni kupitan man. Dapat silang maging tapat sa lahat ng pagkakataon, upang maipakita nila sa lahat nilang ginagawa ang kagandahan ng katuruan ng Diyos na ating Tagapagligtas. Sapagkat nahayag na ang kagandahang-loob ng Diyos na nagdudulot ng kaligtasan sa lahat ng tao. Ito ang nagtuturo sa atin na talikuran ang makamundong pamumuhay at damdaming makalaman, at mamuhay tayo sa daigdig na ito nang may pagpipigil sa sarili, matuwid at karapat-dapat sa Diyos habang hinihintay natin ang pinagpalang araw na ating inaasahan. Ito ang araw na mahahayag ang kaluwalhatian ng ating dakilang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, na naghandog ng kanyang sarili upang palayain tayo sa lahat ng kasamaan at linisin tayo upang maging kanyang sariling bayan na masigasig sa paggawa ng mabuti. Ipahayag mo ang lahat ng ito, at gamitin mo ang iyong buong kapangyarihan sa pagpapalakas ng loob at pagsaway sa iyong mga tagapakinig. Huwag mong hayaang hamakin ka ninuman. Paalalahanan mo ang mga kapatid na magpasakop sa mga pinuno at maykapangyarihan; sundin ang mga ito at laging maging handa sa paggawa ng mabuti. Sabihan mo silang huwag magsalita ng masama laban kaninuman, umiwas sa pakikipag-away, at maging mahinahon at magalang sa lahat ng tao. Noong una, tayo rin mismo ay mga hangal, hindi masunurin, naliligaw at naging alipin ng mga makamundong damdamin at lahat ng uri ng kalayawan. Naghari sa atin ang masamang isipan at pagkainggit. Tayo'y kinapootan ng iba at sila'y kinapootan din natin. Ngunit nang mahayag ang kabutihan at pag-ibig ng Diyos na ating Tagapagligtas, iniligtas niya tayo, hindi dahil sa ating mabubuting gawa kundi dahil sa kanyang habag sa atin. Tayo'y iniligtas niya sa pamamagitan ng Espiritu Santo na naghugas sa atin upang tayo'y ipanganak na muli at magkaroon ng bagong buhay. Masaganang ipinagkaloob ng Diyos sa atin ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng ating Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, upang tayo'y gawing matuwid sa pamamagitan ng kanyang kagandahang-loob, at tayo'y maging tagapagmana ng inaasahan nating buhay na walang hanggan. Mapagkakatiwalaan ang aral na ito. Kaya't ang nais ko'y buong tiyaga mong ituro ito sa mga nananalig sa Diyos upang ilaan nila ang kanilang sarili sa paggawa ng mabuti, na siyang karapat-dapat at kapaki-pakinabang sa mga tao. Iwasan mo ang mga walang kabuluhang pagtatalo, ang di matapus-tapos na talaan ng mga ninuno, at ang mga away at alitan tungkol sa Kautusan. Ang mga ito ay walang pakinabang at walang halaga. Pagkatapos mong sawaying minsan o makalawa, iwasan mo na ang taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, dahil alam mong ang ganyang tao ay masama at ang kanyang sariling mga kasalanan ang nagpapakilalang siya'y mali. Papupuntahin ko riyan si Artemas o si Tiquico. Pagdating nila diyan, pilitin mong makapunta sa Nicopolis. Doon ako magpapalipas ng taglamig. Sikapin mong mapadali ang paglalakbay ni Apolos at ng abogadong si Zenas. Tiyakin mong hindi sila magkukulang sa anumang pangangailangan. Turuan mo ang ating mga kapatid sa pananampalataya na ilaan ang kanilang sarili sa paggawa ng mabuti upang makatulong sila sa mga nangangailangan, at maging kapaki-pakinabang. Kinukumusta ka ng mga kasama ko rito. Ikumusta mo rin kami sa lahat ng kapatid sa pananampalataya na nagmamahal sa atin. Nawa'y sumainyong lahat ang kagandahang-loob ng Diyos. Mula kay Pablo, isang bilanggo dahil kay Cristo Jesus, at mula kay Timoteo na ating kapatid— Para kay Filemon, ang minamahal naming kamanggagawa, at para sa iglesyang nagtitipon sa iyong bahay; kay Apia na aming kapatid na babae at kay Arquipo na kapwa naming kawal sa Panginoon. Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo. Lagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos tuwing isinasama kita sa aking pananalangin sapagkat nababalitaan ko ang pag-ibig na ipinapakita mo sa lahat ng hinirang ng Diyos, at gayundin ang iyong pananampalataya sa Panginoong Jesus. Idinadalangin kong ang pagkakabuklod natin sa isang pananampalataya ay magbunga ng mas malalim na pagkaunawa sa mga kabutihang dulot ng ating pakikipag-isa kay Cristo. Kapatid, ang pagmamahal mo ay nagdulot sa akin ng malaking katuwaan at kaaliwan sapagkat dahil sa iyo ay sumigla ang kalooban ng mga hinirang ng Diyos. Kaya nga, bagaman bilang kapatid mo kay Cristo ay malakas ang loob kong iutos sana sa iyo ang nararapat gawin, mas minabuti kong makiusap sa iyo sa ngalan ng pag-ibig. Akong si Pablo, na sugo ni Cristo Jesus at ngayo'y nakabilanggo dahil sa kanya, ay nakikiusap sa iyo para kay Onesimo na aking anak sa pananampalataya. Ako'y naging isang ama sa kanya habang ako'y nakabilanggo. Dati, hindi mo mapakinabangan si Onesimo, ngunit ngayo'y kapaki-pakinabang siya sa ating dalawa. Pinababalik ko na siya sa iyo, kasama ang aking puso. Nais ko sanang manatili siya sa aking piling upang siya ang maglingkod sa akin habang ako'y nakabilanggo dahil sa Magandang Balita, at sa gayon ay para na ring ikaw ang kasama ko rito. Ngunit ayokong gawin iyon nang wala kang pahintulot upang maging kusa ang iyong pagtulong sa akin, at hindi sapilitan. Marahil, nalayo sa iyo si Onesimo nang kaunting panahon upang sa pagbabalik niya'y makasama mo siya habang panahon, hindi lamang bilang isang alipin kundi bilang isang minamahal na kapatid. Napamahal na siya sa akin, at lalo siyang mapapamahal sa iyo, ngayong hindi mo lamang siya alipin, kundi isa nang kapatid sa Panginoon! Kaya't kung kinikilala mo akong tunay na kasama, tanggapin mo siya tulad ng pagtanggap mo sa akin. Kung siya ma'y nagkasala o nagkautang sa iyo, sa akin mo na ito singilin. Akong si Pablo ang siyang sumusulat nito: AKO ANG MAGBABAYAD SA IYO. Hindi ko na dapat banggitin pa na utang mo sa akin ang iyong sarili. Ipinapakiusap ko lamang sa iyo, alang-alang sa Panginoon, ipagkaloob mo na sa akin ito. Pasayahin mo ako bilang kapatid kay Cristo. Lubos akong naniniwala na gagawin mo ang hinihiling ko sa sulat na ito, at maaaring higit pa rito. Ipaghanda mo rin ako ng matutuluyan sapagkat umaasa akong loloobin ng Diyos na ako'y makabalik diyan, gaya ng inyong idinadalangin. Kinukumusta ka ni Epafras na kasama kong nakabilanggo dahil kay Cristo Jesus. Kinukumusta ka rin nina Marcos, Aristarco, Demas, at Lucas, na mga kasama ko sa gawain. Nawa'y sumainyo ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Noong una, nagsalita ang Diyos sa ating mga ninuno sa iba't ibang panahon at sa iba't ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta. Ngunit sa mga huling araw na ito, siya'y nagsalita sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Sa pamamagitan ng Anak ay nilikha ng Diyos ang sanlibutan, at siya ang piniling tagapagmana ng lahat ng bagay. Nakikita sa Anak ang kaluwalhatian ng Diyos. Kung ano ang Diyos ay gayundin ang Anak. Siya ang nag-iingat sa sansinukob sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang salita. Pagkatapos niyang linisin tayo sa ating mga kasalanan, siya'y umupo sa kanan ng Makapangyarihan doon sa langit. Ang Anak ay ginawang higit na dakila kaysa mga anghel, tulad ng pangalan na ibinigay sa kanya ng Diyos ay higit na dakila. Sapagkat kailanma'y hindi sinabi ng Diyos sa sinumang anghel, “Ikaw ang aking Anak, mula ngayo'y ako na ang iyong Ama.” Ni hindi rin niya sinabi sa kaninumang anghel, “Ako'y magiging kanyang Ama, at siya'y magiging aking Anak.” At nang isusugo na ng Diyos ang kanyang panganay na Anak sa sanlibutan ay sinabi niya, “Dapat siyang sambahin ng lahat ng mga anghel ng Diyos.” Tungkol naman sa mga anghel ay sinabi niya, “Ginawa niyang hangin ang kanyang mga anghel, at ningas ng apoy ang kanyang mga lingkod.” Ngunit tungkol sa Anak ay sinabi niya, “Ang iyong trono, O Diyos, ay magpakailan pa man, ikaw ay maghaharing may katarungan. Katarunga'y iyong mahal, sa masama'y namumuhi; kaya naman ang iyong Diyos, tanging ikaw ang pinili; higit sa sinumang hari, kagalakang natatangi.” Sinabi pa rin niya, “Panginoon, nang pasimula'y nilikha mo ang sanlibutan, at ang mga kamay mo ang siyang gumawa ng kalangitan. Maliban sa iyo, lahat ay lilipas, at tulad ng damit, lahat ay kukupas, at ililigpit mong gaya ng isang balabal, at tulad ng damit, sila'y papalitan. Ngunit mananatili ka at hindi magbabago, walang katapusan ang mga taon mo.” Kailanma'y hindi sinabi ng Diyos sa sinumang anghel, “Maupo ka sa kanan ko, hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo.” Ano ang mga anghel, kung ganoon? Sila'y mga espiritung naglilingkod sa Diyos at mga isinugo upang tumulong sa mga magkakamit ng kaligtasan. Kaya nga, dapat lalo nating panghawakang mabuti ang mga narinig natin upang hindi tayo maligaw. Ang mensaheng ipinahayag sa pamamagitan ng mga anghel ay napatunayang totoo, at sinumang lumabag o hindi sumunod dito ay tumanggap ng kaukulang parusa. Gayundin naman, paano tayo makakaiwas sa parusa kung hindi natin pahahalagahan ang napakadakilang kaligtasang ito? Ang Panginoon ang unang nagpahayag ng kaligtasang ito, at ang mga nakarinig sa kanya ang nagpatunay sa atin na ito'y totoo. Pinatunayan din ito ng Diyos sa pamamagitan ng mga kahanga-hangang tanda at ng iba't ibang himala, at sa pamamagitan ng mga kaloob ng Espiritu Santo na ipinamahagi niya ayon sa kanyang sariling kalooban. Hindi sa mga anghel ipinamahala ng Diyos ang daigdig na kanyang lilikhain—ang daigdig na aming tinutukoy. Sa halip ay ganito ang sinasabi ayon sa isang bahagi ng Kasulatan: “Ano ba ang tao upang iyong pahalagahan, o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan? Sandaling panahong siya'y ginawa mong mas mababa kaysa mga anghel, pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati, [ginawa mo siyang tagapamahala ng lahat ng iyong nilikha] at ipinasakop mo sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay.” Nang ipinasakop ng Diyos ang lahat ng bagay sa kapangyarihan ng tao, walang bagay na di ipinailalim sa kanya. Sa kasalukuyan, hindi pa natin nakikitang napapailalim sa kanyang kapangyarihan ang lahat ng bagay. Subalit alam nating si Jesus, kahit na sa kaunting panaho'y ginawang mas mababa kaysa mga anghel, ay binigyan ng karangalan at kaluwalhatian dahil sa pagdurusa niya sa kamatayan. Dahil sa kagandahang-loob ng Diyos sa atin, niloob niyang si Jesus ay makaranas ng kamatayan para sa lahat. Sa pamamagitan ng kanyang pagdurusa, siya'y ginawang ganap ng Diyos at nang sa gayon ay makapagdala siya ng maraming anak patungo sa kaluwalhatian. Ito'y dapat lamang gawin ng Diyos na lumikha at nangangalaga sa lahat ng bagay, sapagkat si Jesus ang tagapanguna ng kanilang kaligtasan. Si Jesus ang nagpapabanal sa mga tao. Ang kanyang Ama at ang Ama ng mga taong ito ay iisa, kaya't hindi niya ikinahihiyang tawagin silang mga kapatid. Sinabi niya sa Diyos, “Ipapahayag ko sa aking mga kapatid ang iyong pangalan, sa gitna ng kapulungan ika'y papupurihan.” Sinabi rin niya, “Ako'y mananalig sa Diyos.” At dugtong pa niya, “Narito ako, at ang mga anak na kaloob sa akin ng Diyos.” Dahil sa ang mga anak na tinutukoy niya ay tao, naging tao rin si Jesus at tulad nila'y may laman at dugo. Ginawa niya ito upang sa pamamagitan ng kanyang kamatayan ay mawasak niya ang diyablo na siyang may kapangyarihan sa kamatayan. Sa pamamagitan din ng kanyang kamatayan ay pinalaya niya ang lahat ng tao na buong buhay nila'y inalipin ng takot sa kamatayan. Hindi ang mga anghel ang kanyang tinutulungan, sa halip ay ang mga anak ni Abraham. Kaya't kinailangang matulad siya sa kanyang mga kapatid sa lahat ng paraan. Upang siya'y maging isang Pinakapunong Pari na mahabagin at tapat na naglilingkod sa Diyos at nag-aalay ng handog para mapatawad ang mga kasalanan ng tao. At ngayo'y matutulungan niya ang mga tinutukso, sapagkat siya man ay tinukso at nagdusa. Mga hinirang na kapatid at kasama sa pagkatawag ng Diyos, alalahanin ninyo si Jesus, ang Sugo ng Diyos at ang Pinakapunong Pari ng ating pananampalataya. Tapat siya sa Diyos na pumili sa kanya, tulad ni Moises na naging tapat sa [buong] sambahayan ng Diyos. Kung ang nagtayo ng bahay ay mas marangal kaysa sa bahay, gayundin naman, lalong marangal si Jesus kaysa kay Moises. Bawat bahay ay may tagapagtayo, ngunit ang Diyos lamang ang nagtayo ng lahat ng bagay. Si Moises ay naging tapat bilang isang lingkod sa buong sambahayan ng Diyos, upang magpatotoo sa mga bagay na ihahayag sa mga darating na panahon. Subalit si Cristo ay tapat bilang Anak na namumuno sa sambahayan ng Diyos. At tayo ang kanyang sambahayan, kung matibay ang ating pag-asa at hindi natin ito ikinahihiya. Kaya't tulad ng sinabi ng Espiritu Santo, “Kapag ngayon ang tinig ng Diyos ay narinig ninyo, huwag patigasin ang inyong mga puso, tulad noong maghimagsik ang inyong mga ninuno, doon sa ilang nang subukin nila ako. Ako ay tinukso't doon ay sinubok ng inyong mga magulang, bagama't nakita nila ang mga ginawa ko sa loob ng apatnapung taon. Kaya't napoot ako sa kanila at sinabi ko, ‘Lagi silang lumalayo sa akin, ang mga utos ko'y ayaw nilang sundin.’ At sa galit ko, ‘Ako ay sumumpang hindi nila kakamtin ang kapahingahan sa aking ipinangakong lupain.’” Mga kapatid, ingatan ninyong huwag magkaroon ang sinuman sa inyo ng pusong masama at walang pananampalataya, na siyang maglalayo sa inyo sa Diyos na buháy. Sa halip, magpaalalahanan kayo araw-araw, habang ang panahon ay matatawag pang “Ngayon” upang walang sinumang madaya sa inyo ng kasalanan at sa gayo'y maging matigas ang puso. Sapagkat tayong lahat ay kasama ni Cristo sa gawain, kung mananatiling matatag hanggang sa wakas ang ating pananalig na ating ipinakita noong tayo'y unang sumampalataya. Ito nga ang sinasabi sa kasulatan, “Kapag narinig ninyo ngayon ang tinig ng Diyos, huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso, tulad noong kayo'y maghimagsik sa Diyos.” Sino ang naghimagsik laban sa Diyos kahit na narinig nila ang kanyang tinig? Hindi ba't ang lahat ng inilabas ni Moises mula sa Egipto? At kanino nagalit ang Diyos sa loob ng apatnapung taon? Hindi ba't sa mga nagkasala at patay na nabuwal sa ilang? At sino ang tinutukoy niya nang kanyang sabihin, “Hinding-hindi sila makakapagpahinga sa piling ko”? Hindi ba't ang mga taong ayaw sumunod? Maliwanag kung ganoon na hindi sila nakapasok sa lupang pangako dahil sa kawalan ng pananampalataya. Kaya nga habang nananatili ang pangako ng Diyos, na tayo'y makakapasok sa kapahingahang sinabi niya, mag-ingat kayo at baka mayroon sa inyong hindi makatanggap ng pangakong ito. Sapagkat tulad nila'y napakinggan din natin ang Magandang Balita, ngunit hindi nila pinakinabangan ang balitang kanilang narinig dahil hindi nila ito tinanggap nang may pananampalataya. Tayong mga sumampalataya ay tumatanggap ng kapahingahang ipinangako. Ito'y ayon sa kanyang sinabi, “Sa galit ko'y aking isinumpa, ‘Hindi sila makakapasok sa lupain ng kapahingahang aking ipinangako.’” Sinabi niya ito kahit tapos na niya ang kanyang mga gagawin mula nang likhain ang sanlibutan. Sapagkat sinasabi sa isang bahagi ng kasulatan ang ganito tungkol sa ikapitong araw, “At sa ikapitong araw, nagpahinga ang Diyos sa kanyang paglikha.” At muli pang sinabi, “Hindi sila makakapasok sa lupain ng kapahingahang aking ipinangako.” Ang mga unang nakarinig ng Magandang Balita ay hindi nakapasok sa lupain ng kapahingahan dahil hindi sila sumampalataya. Ngunit may mga inaanyayahan pa ring pumasok sa lupaing iyon ng kapahingahan. Kaya't muling nagtakda ang Diyos ng isa pang araw na tinawag niyang “Ngayon”. Pagkalipas ng mahabang panahon, sinabi sa pamamagitan ni David sa kasulatang nabanggit, “Ngayon, kapag narinig ninyo ang tinig ng Diyos, huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso.” Kung ang mga tao noon ay nabigyan ni Josue ng lubos na kapahingahan, hindi na sana ipinangako pa ng Diyos ang tungkol sa isa pang araw ng kapahingahan. Kung paanong nagpahinga ang Diyos sa ikapitong araw, mayroon ding kapahingahang nakalaan sa mga taong sumasampalataya sa Diyos, sapagkat ang sinumang makapasok sa lupain ng kapahingahang ipinangako ng Diyos ay magpapahinga rin sa kanyang pagpapagal, tulad ng Diyos na nagpahinga sa kanyang paglikha. Kaya't sikapin nating makamtan ang kapahingahang iyon at huwag mabigong tulad ng mga hindi sumasampalataya. Ang salita ng Diyos ay buháy at mabisa, mas matalas kaysa alinmang tabak na sa magkabila'y may talim. Ito'y tumatagos maging sa kaibuturan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at buto, at nakakaalam ng mga iniisip at binabalak ng puso. Walang nilalang na makakapagtago sa Diyos; ang lahat ay hayag at lantad sa kanyang paningin, at sa kanya tayo magsusulit ng ating mga sarili. Kaya nga, magpakatatag tayo sa ating pananampalataya, dahil mayroon tayong Dakilang Pinakapunong Pari na pumasok na sa kalangitan, doon mismo sa harap ng Diyos. Siya'y walang iba kundi si Jesus na Anak ng Diyos. Ang ating Pinakapunong Paring ito ay nakakaunawa sa ating mga kahinaan sapagkat tulad natin, tinukso siya sa lahat ng paraan, subalit kailanma'y hindi siya nagkasala. Kaya't huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng mahabaging Diyos upang makamtan natin ang habag at pagpapala na tutulong sa atin sa panahon ng ating pangangailangan. Ang bawat pinakapunong pari ay pinili mula sa mga tao at inilagay sa ganoong tungkulin upang maglingkod sa Diyos para sa mga tao. Siya ang nag-aalay ng mga kaloob at mga handog para mapatawad ang mga kasalanan. Mahinahon niyang napapakitunguhan ang mga mangmang at naliligaw ng landas, sapagkat siya'y mahina ring tulad nila. At dahil sa kanyang kahinaan, kinakailangang siya'y mag-alay ng handog, hindi lamang para sa kasalanan ng iba, kundi para rin sa kanyang mga kasalanan. Ang karangalan ng pagiging pinakapunong pari ay hindi maaaring makuha ninuman sa kanyang sariling kagustuhan. Ang Diyos ang pumipili sa kanya, tulad ng pagkapili kay Aaron. Gayundin naman, hindi itinaas ni Cristo ang kanyang sarili upang maging Pinakapunong Pari. Siya'y pinili ng Diyos na nagsabi sa kanya, “Ikaw ang aking Anak, mula ngayo'y ako na ang iyong Ama.” Sinabi rin niya sa ibang bahagi ng kasulatan, “Ikaw ay pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec.” Noong si Jesus ay namumuhay pa rito sa lupa, siya'y nanalangin at lumuluhang nakiusap sa Diyos na makakapagligtas sa kanya sa kamatayan. At dininig siya ng Diyos dahil lubusan siyang nagpakumbaba. Kahit na siya'y Anak ng Diyos, natutunan niya ang tunay na kahulugan ng pagsunod sa pamamagitan ng pagtitiis. At nang siya'y maging ganap, siya ang naging sanhi upang magkamit ng walang hanggang kaligtasan ang lahat ng mga masunurin sa kanya. Ginawa siya ng Diyos na Pinakapunong Pari ayon sa pagkapari ni Melquisedec. Marami pa kaming masasabi tungkol sa bagay na ito, ngunit mahirap ipaliwanag sa inyo sapagkat napakabagal ninyong umunawa. Dapat sana'y mga tagapagturo na kayo, subalit hanggang ngayo'y kailangan pa kayong turuan ng mga panimulang aralin ng Salita ng Diyos. Dapat sana'y kumakain na kayo ng matigas na pagkain ngunit hanggang ngayon, gatas pa lamang ang inyong kaya. Ang sanggol pa ay nabubuhay sa gatas at wala pang karanasan tungkol sa mabuti at masama. Ang matigas na pagkain ay para sa may sapat na gulang at dahil sa pagsasanay ay marunong nang kumilala ng pagkakaiba ng mabuti at masama. Kaya't iwan na natin ang mga panimulang aralin tungkol kay Cristo at magpatuloy tayo sa mga aral na para sa mga may sapat na gulang na. Tigilan na natin ang muling paglalagay ng pundasyon tungkol sa pagtalikod sa mga gawang walang kabuluhan at tungkol sa pananampalataya sa Diyos, tungkol sa mga iba't ibang seremonya ng paglilinis at pagpapatong ng mga kamay, at tungkol sa muling pagkabuhay ng mga patay at sa hatol na walang hanggan. Magpatuloy nga tayo; at iyan ang gagawin natin kung loloobin ng Diyos. Sapagkat paano pang panunumbalikin upang magsisi ang mga tumalikod na sa kanilang pananampalataya? Dati'y naliwanagan na sila, nakalasap ng makalangit na kaloob at naging kabilang sa mga tumanggap ng Espiritu Santo. Nakalasap na rin sila ng kabutihan ng Salita ng Diyos, at nakadama ng kapangyarihan ng Diyos na lubusang mahahayag sa panahong darating. Kapag sila'y tumalikod pagkatapos malasap ang lahat ng ito, hindi na sila maaaring panumbalikin upang magsisi sapagkat muli nilang ipinapako sa krus at inilalantad sa kahihiyan ang Anak ng Diyos. Sapagkat pinagpapala ng Diyos ang lupang pagkatapos tumanggap ng masaganang ulan ay sinisibulan ng halamang pinapakinabangan ng mga magsasaka. Subalit kung mga damo at halamang matitinik ang tumutubo doon, walang kabuluhan ang lupang iyon at nanganganib pang sumpain ng Diyos at tupukin sa apoy. Mga minamahal, kahit ganito ang sinasabi namin, natitiyak namin na nasa mas mabuti kayong kalagayan patungkol sa inyong kaligtasan. Makatarungan ang Diyos; hindi niya malilimutan ang inyong ginawa at ang pagmamahal na inyong ipinakita at hanggang ngayo'y ipinapakita sa pamamagitan ng paglilingkod ninyo sa mga hinirang ng Diyos. Ang nais namin ay patuloy na magsumikap hanggang wakas ang bawat isa sa inyo upang makamtan ninyo ang inyong inaasahan. Kaya't huwag kayong maging tamad. Tularan ninyo ang mga taong dahil sa kanilang pagtitiis at pananalig sa Diyos ay tumatanggap ng mga ipinangako niya. Nang mangako kay Abraham ang Diyos, siya'y nanumpa sa kanyang sariling pangalan, yamang wala nang hihigit pa sa kanya na maaari niyang panumpaan. Sinabi niya, “Ipinapangako ko na lubos kitang pagpapalain at pararamihin ko ang iyong lahi.” Matiyagang naghintay si Abraham at natanggap niya ang ipinangako sa kanya. Nanunumpa ang mga tao sa pangalan ng isang nakakahigit sa kanila, at sa pamamagitan ng panunumpa ay pinapagtibay ang usapan. Gayundin naman, pinagtibay ng Diyos ang kanyang pangako sa pamamagitan ng panunumpa, upang ipakita sa kanyang mga pinangakuan na hindi mababago ang kanyang layunin. Hindi nagbabago at hindi nagsisinungaling ang Diyos tungkol sa dalawang bagay na ito: ang kanyang pangako at sumpa. Kaya't tayong nakatagpo ng kanyang kalinga ay panatag ang loob na umaasa sa mga pangako niya. Ang pag-asang ito ang siyang matibay at matatag na angkla ng ating buhay, at ito'y umaabot hanggang sa kabila ng tabing ng templo, hanggang sa Dakong Kabanal-banalan. Si Jesus ay naunang pumasok doon alang-alang sa atin, at naging Pinakapunong Pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec. Ang Melquisedec na ito ay hari ng Salem at pari ng Kataas-taasang Diyos. Nang pabalik na si Abraham mula sa pagpuksa sa mga hari, sinalubong siya ni Melquisedec at siya ay binasbasan nito. Ibinigay ni Abraham kay Melquisedec ang ikasampung bahagi ng lahat ng nasamsam niya mula sa labanan. Ang unang kahulugan ng pangalang Melquisedec ay “Hari ng Katuwiran”. At dahil siya'y hari din ng Salem, ibig sabihin, siya ay “Hari ng Kapayapaan”. Walang nababanggit tungkol sa kanyang ama at ina, o sa angkang pinagmulan niya. Hindi rin natala ang kanyang kapanganakan o kamatayan. Tulad ng Anak ng Diyos, siya'y pari magpakailanman. Tingnan ninyo kung gaano kadakila si Melquisedec! Ipinagkaloob sa kanya ni Abraham na ating ninuno ang ikasampung bahagi ng nasamsam niya mula sa labanan. Ayon sa Kautusan, ang mga pari mula sa angkan ni Levi ay inutusang kumuha ng mga ikapu mula sa mga Israelita, na kanilang mga kapatid, kahit ang mga ito ay mula rin kay Abraham. Si Melquisedec ay hindi kabilang sa lipi ni Levi, ngunit tumanggap siya ng ikasampung bahagi mula kay Abraham at pinagpala niya ang taong ito na pinangakuan ng Diyos. Hindi maipagkakaila na ang nagbibigay ng basbas ay mas dakila kaysa kanyang binabasbasan. Ang mga Levita, na tumatanggap ng ikasampung bahagi ay may kamatayan, ngunit buháy si Melquisedec ayon sa kasulatan. Kaya't masasabi na rin na maging si Levi na tumatanggap ng ikasampung bahagi, ay nagbigay rin ng ikasampung bahagi sa pamamagitan ni Abraham. Sapagkat masasabing si Levi ay nasa katawan pa ng kanyang ninunong si Abraham nang ito'y salubungin ni Melquisedec. Batay sa pagkapari ng mga Levita ang Kautusan ay ibinigay sa mga Israelita. Kung ang pagkapari ng mga Levita ay walang kapintasan, hindi na sana kinailangan pa ang ibang pagkapari na ayon sa pagkapari ni Melquisedec, at hindi ayon sa pagkapari ni Aaron. Nang baguhin ang pagkapari, kinailangan ding baguhin ang kautusan. Ang ating Panginoon ang paring tinutukoy dito ay kabilang sa ibang lipi, kung saan ay wala ni isa man na naglingkod bilang pari. Alam ng lahat na ang ating Panginoon ay mula sa lipi ni Juda, at tungkol sa liping ito ay walang sinabi si Moises tungkol sa mga pari. Ang bagay na ito ay lalo pang naging maliwanag nang magkaroon ng ibang pari ayon sa pagkapari ni Melquisedec. Naging pari siya dahil sa kapangyarihan ng buhay na kailanma'y hindi matatapos, at hindi dahil sa lahing pinagmulan na itinatakda ng Kautusan. Sapagkat ito ang sinasabi ng kasulatan tungkol sa kanya, “Ikaw ay pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec.” Kaya nga, inalis ang naunang alituntunin dahil sa ito'y mahina at walang bisa. Sapagkat walang sinumang nagiging ganap sa pamamagitan ng Kautusan ni Moises. Higit na mabuti ang bagong pag-asang tinanggap natin ngayon, sapagkat sa pamamagitan nito'y nakakalapit na tayo sa Diyos. Ang Diyos ay hindi nanumpa nang gawin niyang pari ang iba, ngunit nanumpa siya nang gawin niyang pari si Jesus, ayon sa sinabi niya, “Ang Panginoon ay sumumpa, at hindi siya magbabago ng isip, ‘Ikaw ay pari magpakailanman!’” Dahil sa pagkakaibang ito, si Jesus ang siyang katiyakan ng mas mabuting tipan. Bukod dito, kailangan noon ang maraming pari dahil namamatay sila at hindi nakakapagpatuloy sa panunungkulan. Ngunit si Jesus ay buháy magpakailanman, kaya't walang katapusan ang kanyang pagkapari. Dahil dito, lubusan niyang maililigtas ang lahat ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya'y nabubuhay magpakailanman upang mamagitan para sa kanila. Samakatuwid, si Jesus ang Pinakapunong Pari na kinakailangan natin. Siya'y banal, walang kasalanan ni kapintasan man, inihiwalay sa mga makasalanan at itinaas sa kalangitan. Hindi siya katulad ng ibang mga pinakapunong pari na kailangan pang mag-alay ng mga handog araw-araw, una'y para sa sarili nilang kasalanan, at pagkatapos, para sa kasalanan ng mga tao. Minsan lamang naghandog si Jesus, at ito'y pangmagpakailanman, nang ihandog niya ang kanyang sarili. Ang Kautusan ay nagtalaga ng mga punong pari na may mga kahinaan, ngunit ang pangako ng Diyos na may panunumpa, na dumating pagkatapos ng Kautusan, ay humirang sa Anak na walang kapintasan magpakailanman. Ito ang ibig naming sabihin: mayroon tayong ganyang Pinakapunong Pari, na nakaupo sa kanan ng trono ng Kataas-taasan. Siya'y naglilingkod doon sa Dakong Banal, sa tunay na toldang itinayo ng Panginoon, at hindi ng tao. Tungkulin ng bawat pinakapunong pari ang mag-alay ng mga kaloob at mga handog, kaya't kailangang ang ating Pinakapunong Pari ay mayroon ding ihahandog. Kung siya ay nasa lupa, hindi siya maaaring maging pari, sapagkat mayroon nang mga paring naghahandog ng mga kaloob ayon sa Kautusan. Ang paglilingkod ng mga ito ay larawan lamang ng nasa langit, sapagkat nang itatayo na ni Moises ang tolda, mahigpit na ipinagbilin sa kanya ng Diyos ang ganito, “Tiyakin mo na gagawin mo ang lahat ayon sa huwarang ipinakita ko sa iyo sa bundok.” Ngunit ang paglilingkod na ipinagkaloob kay Jesus ay higit na dakila kaysa ipinagkaloob sa kanila, dahil siya'y tagapamagitan ng isang tipan na higit na mabuti, sapagkat ang tipang ito ay nababatay sa mas maiinam na pangako. Kung walang kakulangan ang unang tipan, hindi na sana nangailangan pa ng pangalawa. Ngunit nakita ng Diyos ang pagkukulang ng kanyang bayan, kaya't sinabi niya, “Darating ang mga araw, sabi ng Panginoon, na gagawa ako ng bagong tipan sa bayang Israel at sa bayang Juda. Hindi ito magiging katulad ng tipang ginawa ko sa kanilang mga ninuno, nang ilabas ko sila sa Egipto. Sapagkat hindi sila naging tapat sa pakikipagtipan sa akin, kaya't sila'y aking pinabayaan. Ganito ang gagawin kong tipan sa bayan ng Israel pagdating ng panahon, sabi ng Panginoon: Itatanim ko sa kanilang pag-iisip ang aking mga utos; isusulat ko ito sa kanilang puso. Ako ang kanilang magiging Diyos, at sila ang aking magiging bayan. Hindi na kailangang turuan ang isa't isa at sabihing, ‘Kilalanin mo ang Panginoon.’ Sapagkat ako'y makikilala nilang lahat, mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila. Sapagkat patatawarin ko ang kanilang mga kasalanan, at kalilimutan ko na ang kanilang mga kasamaan.” Nang sabihin ng Diyos ang tungkol sa bagong tipan, pinawalang-bisa na niya ang una. At anumang nawawalan ng bisa at naluluma ay malapit nang mawala. Ang naunang tipan ay may mga alituntunin sa pagsamba at may sambahang ginawa ng tao. Itinayo ang isang tolda na may dalawang bahagi: ang una ay tinatawag na Dakong Banal at naroon ang ilawan, ang hapag at ang mga tinapay na handog sa Diyos; ang ikalawa ay nasa kabila ng pangalawang tabing at tinatawag na Dakong Kabanal-banalan. Naroon ang gintong altar na sunugan ng insenso at ang Kaban ng Tipan, na nababalutan ng ginto. Nasa loob ng Kaban ang sisidlang-ginto na may lamang manna, ang tungkod ni Aaron na nagkaroon ng usbong, at ang mga tapyas ng bato na kinasusulatan ng Tipan. At sa ibabaw ng kaban ay may mga kerubin, na nagpapakitang naroon ang Diyos. Nalililiman ng mga pakpak ng mga kerubin ang Luklukan ng Awa, ngunit hindi ngayon ang panahon para ipaliwanag nang isa-isa ang lahat ng ito. Ganoon ang pagkakaayos sa loob ng kanilang toldang sambahan. Ang mga pari ay pumapasok araw-araw sa unang bahagi upang ganapin ang kanilang tungkulin. Ngunit tanging ang pinakapunong pari ang nakakapasok sa ikalawang bahagi, at ito'y minsan lamang niyang ginagawa sa loob ng isang taon. Siya'y may dalang dugo na inihahandog sa Diyos para sa kanyang mga kasalanan at para sa mga kasalanang hindi sinasadyang nagawa ng mga tao. Sa pamamagitan ng mga ito, maliwanag na itinuturo ng Espiritu Santo na ang daang papunta sa Dakong Kabanal-banalan ay hindi pa bukás habang nakatayo pa ang unang bahagi ng tolda. Simbolo lamang ang mga iyon na tumutukoy sa kasalukuyang panahon. Ang mga kaloob at mga handog na iniaalay ay hindi nakakapagpalinis ng budhi ng mga sumasamba roon. Ang paglilinis nila'y nauukol lamang sa pagkain at inumin at sa iba't ibang uri ng paglilinis, mga alituntuning panlabas lamang, na iiral hanggang sa baguhin ng Diyos ang lahat ng bagay. Ngunit dumating na si Cristo, ang Pinakapunong Pari ng mabubuting bagay na narito na. At siya'y naglilingkod doon sa sambahang higit na dakila, walang katulad at hindi ginawa ng tao. Ang sambahang iyon ay wala sa sanlibutang ito. Minsan lamang pumasok si Cristo sa Dakong Kabanal-banalan, at iyo'y sapat na. Hindi dugo ng mga kambing at guya ang kanyang inihandog, kundi ang sarili niyang dugo, upang magkaroon tayo ng walang hanggang kaligtasan. Kung ang dugo ng mga kambing at toro, at ang abo ng dumalagang baka ang iwiniwisik sa mga taong itinuturing na marumi upang sila'y luminis ayon sa Kautusan, higit ang nagagawa ng dugo ni Cristo! Sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu, inialay niya sa Diyos ang kanyang sarili bilang handog na walang kapintasan. Ang kanyang dugo ang lumilinis sa ating mga budhi sa mga gawang walang kabuluhan upang tayo'y makapaglingkod sa Diyos na buháy. Kaya nga, si Cristo ang tagapamagitan ng bagong tipan. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, ipinatawad ang paglabag ng mga tao noong sila'y nasa ilalim pa ng naunang tipan. Dahil dito, makakamtan ng mga tinawag ng Diyos ang walang hanggang pagpapala na kanyang ipinangako. Kapag may testamento, kailangang mapatunayang patay na ang gumawa niyon, sapagkat ang testamento ay walang bisa habang buháy pa ang gumawa; magkakabisa lamang iyon kapag siya'y namatay na. Maging ang naunang tipan ay pinagtibay sa pamamagitan ng walang dugo. Matapos ipahayag ni Moises sa mga tao ang bawat alituntunin sa Kautusan, kumuha siya ng dugo ng mga baka [at ng mga kambing] at hinaluan niya iyon ng tubig. Kumuha siya ng pulang lana at sanga ng hisopo, at isinawsaw iyon sa dugong may halong tubig. Winisikan ang aklat ng Kautusan at ang mga tao. Kasabay nito'y kanyang sinabi, “Ito ang dugong nagpapatibay sa tipan na ibinigay ng Diyos at ipinag-utos niya na tuparin ninyo.” Winisikan din niya ng dugo ang tolda at ang mga kagamitan sa pagsamba. Ayon sa Kautusan, halos lahat ng bagay ay nililinis sa pamamagitan ng dugo, at kung walang pag-aalay ng dugo ay walang kapatawaran ng mga kasalanan. Ang mga bagay sa sambahang iyon ay larawan lamang ng mga nasa langit, at kinakailangang linisin sa pamamagitan ng mga handog. Ngunit higit na mabubuting handog ang kinakailangan sa paglilinis ng mga bagay sa sambahang nasa langit. Sapagkat si Cristo ay hindi pumasok sa isang Dakong Banal na ginawa ng tao at larawan lamang ng tunay na sambahan. Sa langit mismo siya pumasok at ngayo'y nasa harap na siya ng Diyos at namamagitan para sa atin. Ang pinakapunong pari ng mga Judio ay pumapasok sa Dakong Banal taun-taon na may dalang dugo ng mga hayop. Ngunit si Cristo'y minsan lamang pumasok upang ihandog ang kanyang sarili. Kung hindi gayon, kailangan sanang paulit-ulit na siya'y mamatay mula pa nang likhain ang sanlibutan. Subalit minsan lamang siyang nagpakita, ngayong magtatapos na ang panahon, upang pawiin ang kasalanan sa pamamagitan ng handog na kanyang inialay. Itinakda sa mga tao na minsan lamang mamatay at pagkatapos ay ang paghuhukom. Gayundin naman, si Cristo'y minsan lamang inihandog upang pawiin ang mga kasalanan ng mga tao. Siya'y muling darating, hindi upang muling ihandog dahil sa kasalanan, kundi upang iligtas ang mga naghihintay sa kanya. Ang Kautusan ay anino lamang at hindi lubos na naglalarawan ng mabubuting bagay na darating. Hindi ito nagpapabanal sa mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng mga handog na iniaalay taun-taon. Kung napatawad na nga ang mga lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng ganoong mga handog, wala na silang aalalahanin pa tungkol sa kanilang mga kasalanan, at hindi na sila kailangang mag-alay pang muli. Ngunit ang mga alay na ito ang nagpapagunita sa mga tao ng kanilang mga kasalanan taun-taon, sapagkat ang dugo ng mga toro at mga kambing ay hindi makakapawi ng mga kasalanan. Kaya't sinabi ko, ‘Ako'y narito, O Diyos, upang sundin ang iyong kalooban,’ ayon sa sinasabi ng kasulatan tungkol sa akin.” Sinabi muna niya, “Hindi mo ninais o kinalugdan ang mga alay at handog na hayop, mga handog na susunugin, at mga handog dahil sa kasalanan” kahit ito'y inihahandog ayon sa Kautusan. Saka niya idinugtong, “Ako'y narito upang sundin ang iyong kalooban.” Sa ganitong paraan, inalis nga ng Diyos ang unang handog at pinalitan ng handog ni Cristo. At dahil sinunod niya ang kalooban ng Diyos, tayo ay ginawang banal ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ng minsanang paghahandog ng kanyang sarili, at iyon ay sapat na. Bawat pari ay naglilingkod araw-araw at paulit-ulit na naghahandog ng pare-pareho ding mga handog, subalit ang mga iyon ay hindi naman nakakapawi ng kasalanan. Ngunit si Cristo ay minsan lamang naghandog para sa mga kasalanan, at iyo'y sapat na. Pagkatapos ay umupo siya sa kanan ng Diyos. Ngayo'y naghihintay siya roon hanggang sa lubusang pasukuin sa kanya ng Diyos ang kanyang mga kaaway. Samakatuwid, sa pamamagitan lamang ng isang paghahandog ay kanyang ginawang ganap magpakailanman ang mga nililinis ng Diyos. Ang Espiritu Santo'y nagpapatotoo rin sa atin tungkol dito. Sinabi niya, “Ganito ang gagawin kong tipan sa kanila pagdating ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon: Itatanim ko sa kanilang puso ang aking mga utos, at isusulat ko ang mga iyon sa kanilang mga isip.” Pagkatapos ay sinabi pa niya, “Kalilimutan ko na ang kanilang mga kasalanan at kasamaan.” Sapagkat ipinatawad na ang mga kasalanan, hindi na kailangan pang maghandog dahil sa kasalanan. Kaya nga, mga kapatid, tayo'y malaya nang makakapasok sa Dakong Kabanal-banalan dahil sa dugo ni Jesus. Binuksan niya para sa atin ang isang bago at buháy na daang naglalagos hanggang sa kabila ng tabing, at ang tabing na ito'y ang kanyang katawan. Tayo ay may isang Pinakapunong Pari na namamahala sa sambahayan ng Diyos. Kaya't lumapit tayo sa Diyos nang may pusong tapat at may matibay na pananampalataya sa kanya. Lumapit tayong may malinis na budhi sapagkat nilinis na ang ating mga puso at hinugasan na ng dalisay na tubig ang ating mga katawan. Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag nang mag-alinlangan pa, sapagkat tapat ang nangako sa atin. Sikapin din nating gisingin ang damdamin ng bawat isa sa pagmamahal sa kapwa at sa paggawa ng mabuti. Huwag nating kaliligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng nakasanayan ng iba. Sa halip, palakasin natin ang loob ng isa't isa, lalo na ngayong nakikita nating malapit na ang Araw ng Panginoon. Matapos nating malaman at tanggapin ang katotohanan at sadyain pa rin nating magkasala, wala nang handog na maiaalay pa para sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan. Ang naghihintay na lamang sa atin ay ang kakila-kilabot na paghuhukom at ang naglalagablab na apoy na tutupok sa mga kaaway ng Diyos! Ang mapatunayang lumabag sa Kautusan ni Moises batay sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi ay walang awang pinapatay. Gaano kabigat, sa akala ninyo, ang parusang nararapat sa taong humamak sa Anak ng Diyos, lumapastangan sa dugong nagpatibay sa tipan at nagpabanal sa kanya, at lumait sa mapagpalang Espiritu? Sapagkat kilala natin ang nagsabi, “Akin ang paghihiganti; ako ang magpaparusa.” At siya rin ang nagsabi, “Hahatulan ng Panginoon ang kanyang bayan.” Kakila-kilabot ang mahulog sa kamay ng Diyos na buháy! Alalahanin ninyo ang mga araw na nagdaan, kung paanong kayo'y nagtiis ng matinding hirap matapos na kayo'y maliwanagan, ngunit hindi kayo nagpadaig. Kung minsan, kayo ang iniinsulto at pinapahirapan sa harap ng madla; kung minsan nama'y kayo ang umaalalay sa mga kasamahan ninyo na pinapahirapan nang gayon. Dinamayan ninyo ang mga nakabilanggo at hindi kayo nalungkot nang kayo'y agawan ng ari-arian, sapagkat alam ninyong higit na mabuti at nananatili ang kayamanang nakalaan sa inyo. Kaya't huwag kayong mawawalan ng pananampalataya sa Diyos, sapagkat dakila ang naghihintay na gantimpala para sa inyo. Kinakailangang kayo'y magtiis upang masunod ninyo ang kalooban ng Diyos at matanggap ninyo ang kanyang ipinangako. Sapagkat, “Kaunting panahon na lamang, hindi na magtatagal, at ang darating ay darating na. Ang matuwid kong lingkod ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya, ngunit kung siya'y tatalikod, hindi ko siya kalulugdan.” Ngunit hindi tayo kabilang sa mga tumatalikod at napapahamak; kundi sa mga may pananampalataya at naliligtas. Ang pananampalataya ay katiyakan na mangyayari ang ating mga inaasahan, at paninindigan tungkol sa mga bagay na hindi nakikita. Kinalugdan ng Diyos ang mga tao noong unang panahon dahil sa kanilang pananampalataya. Dahil sa pananampalataya, nauunawaan natin na ang sanlibutan ay nilalang sa pamamagitan ng Salita ng Diyos, at ang mga bagay na nakikita ay ginawa mula sa mga hindi nakikita. Dahil sa pananampalataya sa Diyos, si Abel ay nag-alay ng mas mabuting handog kaysa sa inihandog ni Cain. Kaya naman, si Abel ay kinilalang matuwid nang tanggapin ng Diyos ang kanyang handog. Kahit patay na, nagsasalita pa siya sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya. Dahil sa pananampalataya, si Enoc ay hindi nakaranas ng kamatayan. Hindi na siya nakita sapagkat kinuha siya ng Diyos. Sinasabi sa kasulatan na si Enoc ay naging kalugud-lugod bago siya kinuha ng Diyos. Hindi maaaring kalugdan ng Diyos ang walang pananampalataya sa kanya, sapagkat ang sinumang lumalapit sa Diyos ay dapat sumampalatayang may Diyos at siya ang nagbibigay ng gantimpala sa mga humahanap sa kanya. Dahil sa pananampalataya, pinakinggan ni Noe ang babala ng Diyos tungkol sa mga bagay na mangyayari ngunit hindi pa niya nakikita. Gumawa siya ng isang malaking barko upang siya at ang kanyang pamilya ay maligtas. Sa pamamagitan nito'y nahatulan ang sanlibutan, ngunit si Noe ay ibinilang na matuwid dahil sa kanyang pananampalataya sa Diyos. Dahil sa pananampalataya, sumunod si Abraham nang siya'y utusan ng Diyos upang pumunta sa isang lupaing ipinangako sa kanya. Sumunod nga siya, kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta. Dahil din sa kanyang pananampalataya, siya'y nanirahan bilang dayuhan sa lupang ipinangako sa kanya. Mga tolda ang naging tirahan niya, gayundin sina Isaac at Jacob na tumanggap ng ganoon ding pangako. Sapagkat umasa si Abraham ng isang lungsod na may matatag na pundasyon at ang Diyos mismo ang nagplano at nagtayo. Dahil din sa pananampalataya, si Abraham ay nagkaroon ng kakayahang maging ama, kahit na siya'y matanda na at kahit si Sara ay hindi na maaaring magkaanak pa. Nanalig siyang tutuparin ng Diyos ang kanyang pangako. Kaya't sa isang taong maituturing na halos patay na ay nagmula ang isang lahi na naging sindami ng bituin sa langit at ng di mabilang na buhangin sa dalampasigan. Silang lahat ay namatay na may pananampalataya. Hindi nila nakamtan ang mga ipinangako ng Diyos, ngunit natanaw nila iyon mula sa malayo at itinuring na natanggap na nila. Kinilala nilang sila'y mga dayuhan lamang at nangingibang-bayan dito sa lupa. Ipinapakilala ng mga taong nagsasalita ng ganoon, na naghahanap pa sila ng sariling bayan. Kung nasa isip nila ay ang lupaing kanilang pinanggalingan, may pagkakataon pa sana silang makabalik doon. Ngunit ang hinahangad nila'y isang lungsod na higit na mabuti, ang lungsod na nasa langit. Kaya naman hindi ikinahiya ng Diyos na siya'y tawaging Diyos nila, sapagkat sila'y ipinaghanda niya ng isang lungsod. Nang subukin ng Diyos si Abraham, pananampalataya din ang nag-udyok sa kanya na ialay si Isaac bilang handog sa Diyos. Buong puso niyang inihandog ang kaisa-isa niyang anak, gayong ipinangako sa kanya ng Diyos na kay Isaac magmumula ang magiging lahi niya. Naniwala siya na kaya ng Diyos na bumuhay ng patay, kaya't sa patalinghagang pangungusap, naibalik nga sa kanya si Isaac mula sa mga patay. Dahil sa pananampalataya, iginawad ni Isaac kina Jacob at Esau ang pagpapala para sa hinaharap. Dahil sa pananampalataya, iginawad ni Jacob ang pagpapala sa dalawang anak ni Jose bago siya namatay. Humawak siya sa kanyang tungkod at sumamba sa Diyos. Dahil sa pananampalataya, sinabi ni Jose, nang siya'y malapit nang mamatay, ang tungkol sa pag-alis ng mga Israelita sa Egipto, at ipinagbilin sa kanila na dalhin ang kanyang mga buto sa kanilang pag-alis. Dahil sa pananampalataya, ang mga magulang ni Moises ay hindi natakot na sumuway sa utos ng hari; nang makita nilang maganda ang sanggol, itinago nila ito sa loob ng tatlong buwan. Dahil sa pananampalataya, tumanggi si Moises, nang siya'y mayroon nang sapat na gulang, na tawagin siyang anak ng prinsesang anak ng hari. Inibig pa niyang makihati sa kaapihang dinaranas ng bayan ng Diyos kaysa magtamasa ng mga panandaliang aliw na dulot ng kasalanan. Itinuring niyang higit na mahalaga ang pagtitiis sa hirap dahil sa Mesiyas kaysa ang mga kayamanan ng Egipto; sapagkat nakatuon ang kanyang paningin sa mga gantimpala sa hinaharap. Pananampalataya din ang nag-udyok kay Moises na lisanin ang Egipto nang hindi natatakot sa galit ng hari. Matatag ang kanyang kalooban sapagkat para niyang nakita ang Diyos. Dahil din sa pananampalataya, itinatag niya ang Paskwa at iniutos sa mga Israelita na pahiran ng dugo ang pintuan ng kanilang mga bahay upang huwag patayin ng Anghel na Mamumuksa ang kanilang mga panganay. Dahil sa pananampalataya, nakatawid ang mga Israelita sa Dagat na Pula na parang lumalakad sa tuyong lupa, samantalang nalunod naman ang mga Egipcio nang ang mga ito'y tumawid. Dahil sa pananampalataya ng mga Israelita, gumuho ang pader ng Jerico matapos silang maglakad sa palibot nito nang pitong araw. Dahil sa pananampalataya, si Rahab, ang babaing nagbebenta ng aliw, ay hindi napahamak na kasama ng mga ayaw sumunod sa Diyos, sapagkat malugod niyang pinatuloy ang mga espiyang Israelita. Magpapatuloy pa ba ako? Kulang ang panahon para maisalaysay ko ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jefte, David, Samuel, at mga propeta. Dahil sa pananampalataya, nagwagi sila laban sa mga kaharian, nagpatupad ng katarungan, at nagkamit ng mga ipinangako ng Diyos. Napaamo nila ang mga leon, napatay ang naglalagablab na apoy, at nakaligtas sila sa mga talim ng tabak. Sila'y mahihina ngunit binigyan ng lakas upang maging magiting sa digmaan, kaya't natalo ang hukbo ng mga dayuhan. Dahil sa pananampalataya, ibinalik sa ilang mga babae ang kanilang mga mahal sa buhay na namatay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay. May mga tumangging sila'y palayain, sapagkat pinili nila ang mamatay sa pahirap upang sila'y muling buhayin at magtamo ng mas mabuting buhay. Mayroon namang hinamak at hinagupit, at mayroon ding ikinadena at ibinilanggo. Ang iba naman ay pinagbabato, nilagari sa dalawa, [tinukso], at pinatay sa tabak. Ang iba'y nagdamit ng balat ng tupa at kambing, ang iba'y namulubi, inapi, at pinagmalupitan. Hindi karapat-dapat sa kanila ang daigdig! Nagpagala-gala sila sa mga ilang at kabundukan. Nagtago sila sa mga yungib at lungga sa lupa. At dahil sa kanilang pananampalataya, nag-iwan sila ng isang kasaysayang hindi makakalimutan kailanman. Ang lahat ng mga ito, bagama't may mabuting patotoo dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi tumanggap ng ipinangako, sapagkat may mas magandang plano ang Diyos para sa atin, upang sila'y hindi maging ganap malibang kasama tayo. Kaya nga, dahil napapaligiran tayo ng napakaraming saksi, tanggalin natin ang anumang balakid at ang kasalanang kumakapit sa atin. Buong tiyaga tayong tumakbo sa takbuhing nasa ating harapan. Ituon natin ang ating paningin kay Jesus. Sa kanya nakasalalay ang ating pananampalataya mula simula hanggang katapusan. Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya inalintana ang kahihiyan ng pagkamatay sa krus, at siya ngayo'y nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos. Isip-isipin ninyo kung gaano ang tiniis niyang pag-uusig sa kamay ng mga makasalanan, upang hindi kayo manlupaypay o panghinaan ng loob. Hindi pa humahantong sa pagdanak ng dugo ang pakikipaglaban ninyo sa kasalanan. Nalimutan na ba ninyo ang panawagan ng Diyos sa inyo bilang mga anak niya, mga salitang nagpapalakas ng loob? “Anak ko, huwag mong baliwalain ang pagtutuwid ng Panginoon, at huwag kang panghihinaan ng loob kapag ikaw ay dinidisiplina niya. Sapagkat dinidisiplina ng Panginoon ang mga minamahal niya, at pinapalo ang itinuturing niyang anak.” Tiisin ninyo ang lahat ng hirap tulad sa pagtutuwid ng isang ama, dahil ito'y nagpapakilalang kayo'y tinatanggap ng Diyos bilang tunay niyang mga anak. Sinong anak ang hindi dinidisiplina ng kanyang ama? Kung ang pagdidisiplina na ginagawa sa lahat ng anak ay hindi gagawin sa inyo, hindi kayo tunay na mga anak kundi kayo'y mga anak sa labas. Hindi ba't dinidisiplina tayo ng ating mga magulang, at dahil diyan ay iginagalang natin sila? Hindi ba't upang tayo'y mabuhay, mas nararapat na tayo'y pasakop sa Diyos na ating Ama sa espiritu? Sa loob ng maikling panahon, dinisiplina tayo ng ating mga magulang para sa ating ikabubuti. Gayundin naman, itinutuwid tayo ng Diyos sa ikabubuti natin upang tayo'y maging banal tulad niya. Habang tayo'y itinutuwid, hindi tayo natutuwa kundi naghihinagpis, ngunit pagkatapos niyon, mararanasan natin ang kapayapaang bunga ng pagsasanay sa matuwid na pamumuhay. Dahil dito'y itaas ninyo ang inyong mga nanghihinang kamay at patatagin ang mga nangangalog na tuhod. Lumakad kayo sa daang matuwid upang hindi lumala ang mga paang napilay at sa halip ay gumaling ang nalinsad na buto. Sikapin ninyong makasundo ang lahat, at magpakabanal sapagkat hindi ninyo makikita ang Panginoon kung hindi kayo mamumuhay nang ganito. Pag-ingatan ninyong huwag tumalikod ang sinuman sa inyo sa pag-ibig ng Diyos. Huwag kayong magtanim ng sama ng loob na dahil dito'y napapasamâ ang iba. Pag-ingatan ninyo na huwag makiapid ang sinuman sa inyo, o pawalang-halaga ang mga bagay na espirituwal, tulad ng ginawa ni Esau. Ipinagpalit niya sa pagkain ang kanyang karapatan bilang panganay. Alam ninyo ang nangyari pagkatapos. Hiningi niya sa kanyang ama na igawad sa kanya ang pagpapalang nauukol sa panganay, ngunit ito'y itinanggi sa kanya sapagkat hindi na niya mababago ang kanyang ginawa, anuman ang gawin niyang pakiusap at pagluha. Hindi kayo lumapit sa isang bundok na nakikita, gaya ng mga Israelita sa bundok ng Sinai. Ito'y may apoy na nagliliyab, nababalutan ng dilim at may malakas na hangin. Nakarinig sila roon ng tunog ng trumpeta at ng isang tinig. Nang ang tinig na iyon ay marinig ng mga tao, nakiusap silang huwag na itong magsalita sa kanila, sapagkat hindi nila kayang tanggapin ang utos na ito, “Ang sinumang tumapak sa bundok, kahit hayop, ay babatuhin hanggang sa mamatay.” Talagang nakakakilabot ang kanilang natanaw, kaya't pati si Moises ay nagsabing, “Nanginginig ako sa takot!” Sa halip, ang nilapitan ninyo ay ang Bundok ng Zion at ang lungsod ng Diyos na buháy, ang Jerusalem sa langit, na kinaroroonan ng di mabilang na anghel. Ang dinaluhan ninyo ay masayang pagtitipon ng mga panganay na anak, na ang mga pangalan ay nakatala sa langit. Ang nilapitan ninyo ay ang Diyos na hukom ng lahat, at ang mga espiritu ng mga taong ginawang ganap. Nilapitan ninyo si Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan, at ang dugong iwinisik na may pangako ng mas mabubuting bagay kaysa sa isinisigaw ng dugo ni Abel. Kaya't huwag kayong tumangging makinig sa kanya na nagsasalita. Ang tumangging makinig sa nagsalita sa kanila dito sa lupa ay hindi nakaligtas sa parusa! Gaano pa kaya tayo, kung tayo'y tatangging makinig sa nagsasalita mula sa langit! Dahil sa kanyang tinig, nayanig noon ang lupa; ngunit ipinangako niya ngayon, “Minsan ko pang yayanigin, hindi lamang ang lupa, pati na rin ang langit.” Ang mga salitang “Minsan pa” ay maliwanag na nagsasabing aalisin ang mga nilikhang nayayanig, upang manatili ang mga bagay na di-nayayanig. Kaya magpasalamat tayo sa Diyos sapagkat tumanggap tayo ng isang kahariang hindi nayayanig. Sambahin natin ang Diyos sa paraang kalugud-lugod sa kanya, may paggalang at pagkatakot, sapagkat tunay nga na ang ating Diyos ay apoy na tumutupok. Patuloy kayong magmahalan bilang magkakapatid kay Cristo. Palaging maging bukás ang inyong mga tahanan para sa mga taga-ibang bayan. May ilang tao noon na nakapagpatulóy ng mga anghel, lingid sa kanilang kaalaman. Alalahanin ninyo ang mga nakabilanggo, na parang kayo'y nakabilanggo ring kasama nila. Damayan din ninyo ang mga pinagmamalupitan, na parang kayo'y dumaranas din ng ganoon. Dapat ituring na marangal ng lahat ang pag-aasawa at maging tapat kayo sa isa't isa, sapagkat hahatulan ng Diyos ang mga nakikiapid at nangangalunya. Huwag kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.” Kaya't malakas ang loob nating masasabi, “Ang Panginoon ang tumutulong sa akin, hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?” Alalahanin ninyo ang mga namumuno sa inyo, na nagpahayag sa inyo ng salita ng Diyos. Isipin ninyo kung paano sila namuhay, at tularan ninyo ang kanilang pananampalataya. Kung sino si Jesu-Cristo noon ay siya rin ngayon at magpakailanman. Huwag kayong patangay sa mga sari-sari at kakaibang katuruan. Mas mabuti para sa atin ang mapanatag ang ating kalooban sa pamamagitan ng kagandahang-loob ng Diyos kaysa sa pamamagitan ng pagsunod sa mga walang pakinabang na mga utos tungkol sa pagkain. Tayo'y may isang dambana, at ang mga paring naglilingkod sa sambahan ay hindi maaaring kumain ng mga inihandog sa dambanang ito. Ang dugo ng mga hayop ay dinadala ng pinakapunong pari sa Dakong Kabanal-banalan upang ialay bilang handog dahil sa kasalanan, ngunit ang katawan ng mga hayop ay sinusunog sa labas ng kampo. Gayundin naman, namatay si Jesus sa labas ng lungsod upang linisin niya ang tao sa kanilang kasalanan, sa pamamagitan ng kanyang dugo. Kaya't pumunta tayo sa kanya sa labas ng kampo at magtiis din ng kahirapang kanyang tiniis. Sapagkat hindi rito sa lupa ang tunay na lungsod natin, at ang hinahanap natin ay ang lungsod na darating. [Kaya't] lagi tayong mag-alay ng papuri bilang handog sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus, papuring mula sa ating mga labi na nagpapahayag ng ating pagkilala sa kanyang pangalan. At huwag nating kaligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pagtulong sa kapwa, sapagkat iyan ang alay na kinalulugdan ng Diyos. Pasakop kayo at sumunod sa mga namamahala sa inyo. Sila'y nangangalaga sa inyo, at mananagot sila sa Diyos sa gawaing ito. Kung sila'y susundin ninyo, magagalak sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin; kung hindi, sila'y mamimighati, at hindi ito makakabuti sa inyo. Ipanalangin ninyo kami. Nakakatiyak kaming malinis ang aming budhi at hinahangad naming mabuhay nang matuwid sa lahat ng panahon. Higit sa lahat, hinihiling kong ipanalangin ninyo na ako'y makabalik agad sa inyo. Ang Diyos ng kapayapaan ang siyang muling bumuhay sa ating Panginoong Jesus, na naging Dakilang Pastol ng mga tupa dahil sa kanyang dugo na nagpatibay sa walang hanggang tipan. Nawa'y ipagkaloob niya sa inyo ang lahat ng kailangan ninyo upang maisagawa ang kanyang kalooban, at sa pamamagitan ni Jesu-Cristo ay gawin niya sa atin ang nakalulugod sa kanya. Papurihan nawa si Cristo magpakailanman! Amen. Mga kapatid, hinihiling ko na pagtiyagaan ninyong pakinggan ang mga pangaral kong ito sapagkat hindi naman gaanong mahaba ang sulat na ito. Nais ko ring malaman ninyo na pinalaya na ang ating kapatid na si Timoteo, at kung darating siya agad, isasama ko siya pagpunta ko riyan. Ikumusta ninyo kami sa mga namumuno sa inyo at sa lahat ng hinirang ng Diyos. Kinukumusta kayo ng mga kapatid sa Italia. Nawa'y sumainyong lahat ang kagandahang-loob ng Diyos. [Amen.] Mula kay Santiago, lingkod ng Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo: Ipinapaabot ko ang aking pagbati sa lahat ng mga hinirang ng Diyos na nakikipamayan sa iba't ibang bansa. Mga kapatid, magalak kayo kapag kayo'y dumaranas ng iba't ibang uri ng pagsubok. Dapat ninyong malaman na nagiging matatag ang inyong pananampalataya sa pamamagitan ng mga pagsubok. At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo'y maging ganap at walang pagkukulang. Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay nang sagana at hindi nanunumbat. Subalit ang humihingi ay dapat magtiwala sa Diyos at huwag mag-alinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay parang alon sa dagat na itinataboy ng hangin kahit saan. Huwag umasang tatanggap ng anuman mula sa Panginoon ang taong pabagu-bago ang isip at di alam kung ano talaga ang nais niya. Dapat magalak ang mahirap na kapatid kapag siya'y itinataas ng Diyos, at gayundin naman ang mayamang kapatid kapag siya'y ibinababâ, sapagkat ang mayaman ay lilipas na gaya ng bulaklak ng damo. Ang damo ay nalalanta sa matinding sikat ng araw, nalalagas ang kanyang mga bulaklak at kumukupas ang kanyang kagandahan. Gayundin naman, ang mayaman ay mamamatay sa gitna ng kanyang mga kaabalahan. Pinagpala ang taong nananatiling tapat sa kabila ng mga pagsubok; sapagkat matapos niyang malampasan ang pagsubok, tatanggap siya ng gantimpala ng buhay, na ipinangako ng Panginoon sa mga umiibig sa kanya. Huwag sabihin ninuman na tinutukso siya ng Diyos kapag siya'y dumaranas ng pagsubok, sapagkat ang Diyos ay hindi maaaring matukso at hindi rin naman niya tinutukso ang kahit sino. Natutukso ang tao kapag siya'y naaakit at nagpapatangay sa kanyang sariling pagnanasa. At ang pagnanasa kapag naitanim sa puso ay nagbubunga ng kasalanan; at ang kasalanan, sa hustong gulang ay nagbubunga ng kamatayan. Huwag kayong padaya, mga kapatid kong minamahal. Ang lahat ng mabuti at ganap na kaloob ay buhat sa Diyos, mula sa Ama na lumikha ng mga tanglaw sa kalangitan. Hindi siya nagbabago, o nagdudulot ng bahagya mang dilim dahil sa pagbabago. Niloob niyang tayo'y maging anak niya sa pamamagitan ng salita ng katotohanan, upang tayo'y maging pangunahin higit kaysa lahat ng kanyang mga nilalang. Mga kapatid kong minamahal, unawain ninyo ito: maging alisto kayo sa pakikinig, maingat sa pagsasalita at hindi agad nagagalit. Dahil ang galit ng tao ay hindi nakakatulong upang magawa kung ano ang ayon sa kalooban ng Diyos. Kaya't talikuran na ninyo ang inyong maruruming gawa at alisin ang masasamang asal. Mapagpakumbabang tanggapin ninyo ang salitang itinanim sa inyong puso. Ito ay may kakayahang magligtas sa inyo. Mamuhay kayo ayon sa salita ng Diyos. Kung ito'y pinapakinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili. Sapagkat ang nakikinig ng salita ngunit hindi sumusunod dito ay katulad ng isang taong tumitingin sa salamin, at pagkatapos makita ang sarili ay umaalis at kinakalimutan ang kanyang anyo. Ang taong nagsasaliksik at nagpapatuloy sa pagsunod sa Kautusang ganap na nagpapalaya sa tao ang pagpapalain ng Diyos sa lahat ng kanyang gawain. Siya ang taong gumagawa at hindi siya katulad ng nakikinig lamang at pagkatapos ay nakakalimot. Kung inaakala ninuman na siya'y relihiyoso, ngunit hindi naman siya marunong magpigil ng dila, dinadaya lamang niya ang kanyang sarili. Walang kabuluhan ang kanyang pagiging relihiyoso. Ang relihiyon na dalisay at walang dungis sa harap ng ating Diyos at Ama ay ito: pagtulong sa mga ulila at sa mga biyuda sa kanilang kahirapan, at pag-iingat sa sarili upang huwag mahawa sa kasamaan ng mundong ito. Mga kapatid ko, bilang mga mananampalataya kay Jesu-Cristo na ating maluwalhating Panginoon, dapat maging pantay-pantay ang tingin ninyo sa lahat ng tao. Kung may pumasok sa inyong kapulungan na isang lalaking may mga singsing na ginto at nakadamit nang magara, at dumating din doon ang isang dukha na gusgusin ang damit, at inasikaso ninyong mabuti ang nakadamit nang magara at sinabi sa kanya, “Dito kayo maupo,” at sinabi naman ninyo sa mahirap, “Tumayo ka na lang diyan,” o kaya'y, “Sa sahig ka na lang umupo,” nagtatangi na kayo at humahatol nang mali. Mga kapatid kong minamahal, makinig kayong mabuti! Hindi ba't pinili ng Diyos ang mahihirap sa mundong ito upang maging mayaman sa pananampalataya at maging kasama sa kahariang ipinangako niya sa mga umiibig sa kanya? Ngunit hinahamak ninyo ang mahihirap. Hindi ba't ang mayayaman ang umaapi sa inyo at sila ang kumakaladkad sa inyo sa hukuman? Hindi ba't sila rin ang lumalait sa marangal na pangalang ibinigay sa inyo ng Diyos? Mabuti ang inyong ginagawa kung tinutupad ninyo ang utos ng Diyos na ating hari, ayon sa Kasulatan, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” Ngunit kung nagtatangi kayo ng tao, kayo'y nagkakasala, at batay sa Kautusan, dapat kayong parusahan. Ang lumalabag sa isang utos, kahit tumutupad sa iba pa, ay lumalabag sa buong Kautusan, sapagkat ang Diyos na nagsabing, “Huwag kang mangangalunya,” ay siya ring nagsabing, “Huwag kang papatay.” Kung hindi ka man nangangalunya, ngunit pumapatay ka naman, nilalabag mo pa rin ang Kautusan. Kaya't mag-ingat kayo sa inyong pagkilos at pananalita, sapagkat hahatulan kayo ayon sa kautusang nagpapalaya sa inyo. Walang awang hahatulan ang di-marunong maawa; ngunit mangingibabaw ang awa sa paghatol. Mga kapatid, ano ang pakinabang kung sabihin ng isang tao na siya'y may pananampalataya, ngunit hindi naman niya ito pinapatunayan sa gawa? Maililigtas ba siya ng ganoong uri ng pananampalataya? Halimbawa, may isang kapatid na walang maisuot at walang makain. Kung sasabihin ninyo sa kanya, “Patnubayan ka nawa ng Diyos; magbihis ka't magpakabusog,” ngunit hindi naman ninyo siya binibigyan ng kanyang kailangan, ano ang silbi niyon? Gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kalakip na gawa. Ngunit may nagsasabi, “May pananampalataya ka at may gawa naman ako.” Ipakita mo sa akin kung paano maaaring magkaroon ng pananampalataya nang walang mga gawa, at ipapakita ko naman sa iyo ang aking pananampalataya sa pamamagitan ng aking mga gawa. Sumasampalataya ka na ang Diyos ay iisa, di ba? Mabuti naman! Ang mga demonyo man ay sumasampalataya rin, at nanginginig pa. Isa kang hangal! Nais mo pa bang patunayan ko sa iyo na walang kabuluhan ang pananampalatayang walang kasamang gawa? Hindi ba't ang ating amang si Abraham ay itinuring ng Diyos na matuwid dahil sa kanyang mga gawa, nang ihandog niya sa dambana ang anak niyang si Isaac? Dito ay makikita mong magkalakip ang kanyang pananampalataya at mga gawa, at naging ganap ang kanyang pananampalataya dahil sa kanyang mga gawa. Natupad ang sinasabi ng kasulatan, “Si Abraham ay sumampalataya sa Diyos, at dahil dito, siya'y itinuring ng Diyos bilang matuwid,” at tinawag siyang “kaibigan ng Diyos.” Diyan ninyo makikita na itinuturing na matuwid ang isang tao dahil sa kanyang mga gawa at hindi dahil sa pananampalataya lamang. Gayundin si Rahab, ang babaing nagbebenta ng aliw; pinatuloy niya ang mga espiya ng Israel at itinuro pa sa kanila ang ibang daan upang sila'y makatakas. Dahil sa ginawa niyang iyon, siya'y itinuring na matuwid. Patay ang katawang walang espiritu; gayundin naman, patay ang pananampalatayang walang kasamang gawa. Mga kapatid, huwag maghangad na maging guro ang marami sa inyo, dahil alam ninyo na tayong mga nagtuturo ay hahatulan nang mas mahigpit kaysa iba. Tayong lahat ay nagkakamali sa iba't ibang paraan. Ang sinumang hindi nagkakamali sa kanyang pananalita ay isang taong ganap at marunong magpigil sa sarili. Kapag nilagyan ng renda ang bibig ng kabayo, ito'y napapasunod natin at napapabaling saanman natin naisin. Gayundin ang barko. Kahit na ito'y napakalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, naibabaling ito saanman naisin ng piloto sa pamamagitan ng napakaliit na timon. Ganyan din ang dila ng tao; maliit na bahagi lamang ng katawan, ngunit napakalaki ng mga ipinagyayabang. Isipin na lamang ninyo kung paano napapalagablab ng isang maliit na apoy ang isang malawak na kagubatan. Ang dila ay parang apoy, isang daigdig ng kasamaang nagpaparumi sa ating buong pagkatao. Ang apoy nito ay mula sa impiyerno at sinusunog ang lahat sa buhay ng tao. Lahat ng uri ng ibon at hayop na lumalakad, o gumagapang, o nakatira sa tubig ay kayang paamuin, at napaamo na ng tao, ngunit wala pang nakakapagpaamo sa dila. Ito ay kasamaang hindi mapigil, at puno ng kamandag na nakamamatay. Ito ang ginagamit natin sa pagpupuri sa ating Panginoon at Ama, at ito rin ang ginagamit natin sa panlalait sa taong nilalang na kalarawan ng Diyos. Sa iisang bibig nanggagaling ang pagpupuri at panlalait. Hindi ito dapat mangyari, mga kapatid. Hindi lumalabas sa iisang bukal ang tubig-tabang at tubig-alat. Mga kapatid, hinding-hindi makakapamunga ng olibo ang puno ng igos, o ng igos ang puno ng ubas, at lalong hindi rin bumubukal ang tubig-tabang sa bukal ng tubig-alat. Sino sa inyo ang marunong at nakakaunawa? Ipakita niya ito sa pamamagitan ng wastong pamumuhay na bunga ng kapakumbabaan at karunungan. Ngunit kung ang naghahari sa inyong puso ay inggit at makasariling hangarin, huwag ninyo iyang ipagmalaki at huwag ninyong ikaila ang katotohanan. Ang ganyang karunungan ay hindi galing sa langit, kundi makalupa, makalaman at mula sa demonyo. Sapagkat saanman naghahari ang inggit at makasariling hangarin, naghahari din doon ang kaguluhan at lahat ng uri ng masamang gawa. Ngunit ang karunungang mula sa langit, una sa lahat, ay malinis, mapayapa, maamo, mapagbigay, punô ng awa, masaganang namumunga ng mabubuting gawa, hindi nagtatangi at hindi nagkukunwari. Namumunga ng katuwiran ang binhi ng kapayapaang itinatanim ng taong maibigin sa kapayapaan. Saan nanggagaling ang inyong mga alitan at pag-aaway? Hindi ba't nagmumula iyan sa mga pagnanasang naglalaban-laban sa inyong kalooban? Mayroon kayong ninanasa ngunit hindi ninyo makamtan, kaya't pumapatay kayo, mapasainyo lamang iyon. May mga bagay na gustung-gusto ninyo ngunit hindi ninyo maangkin, kaya kayo'y nagkakagalit at naglalaban-laban. Hindi ninyo nakakamtan ang inyong ninanais dahil hindi kayo humihingi sa Diyos. At humingi man kayo, wala rin kayong natatanggap dahil hindi tama ang inyong layunin. Humihingi kayo upang mapagbigyan ang inyong kalayawan. Mga taksil! Hindi ba ninyo alam na kapag nakipagkaibigan kayo sa sanlibutan ay kinakaaway naman ninyo ang Diyos? Ang sinumang nagnanais na maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos. Huwag ninyong akalaing walang kabuluhan ang sinasabi sa kasulatan, “Ang espiritung inilagay ng Diyos sa atin ay punô ng matitinding pagnanasa.” Ngunit ang Diyos ay nagbibigay ng higit pang pagpapala. Kaya't sinasabi ng kasulatan, “Ang Diyos ay laban sa mga mapagmataas ngunit pinagpapala niya ang mga mapagpakumbaba.” Kaya nga, pasakop kayo sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayuan niya kayo. Lumapit kayo sa Diyos at lalapit siya sa inyo. Hugasan ninyo ang inyong mga kamay, kayong mga makasalanan! Linisin ninyo ang inyong puso, kayong pabagu-bago ang isip. Maghinagpis kayo, umiyak at tumangis! Palitan ninyo ng pagluha ang inyong tawanan, at ng kalungkutan ang inyong kagalakan! Magpakumbaba kayo sa harapan ng Panginoon at itataas niya kayo. Mga kapatid, huwag kayong magsiraan sa isa't isa. Ang naninira o humahatol sa kanyang kapatid ay naninira at humahatol sa Kautusan. At kung hinahatulan mo ang Kautusan, hindi ka na tagasunod ng Kautusan kundi isang hukom nito. Ang Diyos lamang ang nagbigay ng Kautusan at siya rin ang hukom. Tanging siya ang may kapangyarihang magligtas at magparusa. Ngunit ikaw, sino ka upang humatol sa iyong kapwa? Makinig kayo sa akin, kayong nagsasabi, “Ngayon o bukas ay pupunta kami sa ganito at ganoong bayan at isang taon kaming mananatili roon, mangangalakal kami at kikita nang malaki.” Ni hindi nga ninyo alam kung ano ang mangyayari sa inyo sa araw ng bukas! Ang buhay ninyo'y parang usok lamang, sandaling lumilitaw at agad nawawala. Sa halip ay sabihin ninyo, “Kung loloobin ng Panginoon, mabubuhay pa kami at gagawin namin ito o iyon.” Ngunit kayo'y nagmamalaki at nagyayabang, at iyan ay masama! Ang nakakaalam ng mabuti na dapat niyang gawin ngunit hindi ito ginagawa ay nagkakasala. Pakinggan ninyo ito, kayong mayayaman! Tumangis kayo at humagulgol dahil sa mga kapighatiang darating sa inyo. Bulok na ang inyong mga kayamanan at kinain na ng mapanirang insekto ang inyong mga damit. Kinakalawang na ang inyong ginto at pilak, at ang kalawang ding iyon ang magiging katibayan laban sa inyo at parang apoy na tutupok sa inyong laman. Iyan ang kayamanang inimpok ninyo para sa mga huling araw. Sumisigaw ang mga manggagawa sa inyong mga bukirin dahil hindi ninyo ibinibigay ang kanilang mga sahod. Umabot na sa pandinig ng Panginoong Makapangyarihan sa lahat ang mga hinaing ng mga mang-aani na inyong inapi! Nagpasasa kayo sa kalayawan at karangyaan dito sa lupa. Nagpataba kayong parang mga hayop na kakatayin. Hinatulan ninyo at ipinapatay ang taong matuwid na hindi lumalaban sa inyo. Kaya nga, mga kapatid, magtiyaga kayo hanggang sa pagdating ng Panginoon. Tingnan ninyo ang magsasaka. Buong tiyaga niyang hinihintay ang mahalagang ani ng kanyang bukirin, at inaabangan ang pagdating ng tag-ulan. Dapat din kayong magtiyaga. Tibayan ninyo ang inyong loob sapagkat nalalapit na ang pagdating ng Panginoon. Mga kapatid, huwag kayong magreklamo sa isa't isa upang hindi kayo hatulan ng Diyos, sapagkat malapit nang dumating ang Hukom. Mga kapatid, tularan ninyo ang mga propetang nagsalita sa pangalan ng Panginoon. Buong tiyaga silang nagtiis ng kahirapan. Sinasabi nating pinagpala ang mga nagtitiyaga at nagtitiis. Narinig na ninyo ang tungkol sa pagtitiis ni Job at ang ginawa sa kanya ng Panginoon sa bandang huli. Talagang napakabuti at tunay na mahabagin ang Panginoon. Ngunit higit sa lahat, mga kapatid, huwag kayong manunumpa. Huwag ninyong sabihing, “Saksi ko ang langit, o ang lupa, o ang ano pa man.” Sapat nang sabihin ninyo, “Oo” kung oo at “Hindi” kung hindi, upang hindi kayo hatulan ng Diyos. May paghihirap ba ang sinuman sa inyo? Manalangin siya. Nagagalak ba ang sinuman? Umawit siya ng papuri sa Diyos. May sakit ba ang sinuman sa inyo? Ipatawag ninyo ang matatandang pinuno ng iglesya upang ipanalangin siya at pahiran ng langis sa pangalan ng Panginoon. Pagagalingin ng Diyos ang maysakit dahil sa panalanging may pananampalataya; palalakasin siyang muli ng Panginoon. At kung siya'y nagkasala, patatawarin siya sa kanyang mga kasalanan. Kaya nga, ipagtapat ninyo sa inyong mga kapatid ang inyong mga kasalanan at ipanalangin ninyo ang isa't isa, upang kayo'y gumaling. Malaki ang nagagawa ng panalangin ng taong matuwid. Si Elias ay isang tao na tulad din natin; nang mataimtim siyang nanalangin na huwag umulan, hindi nga umulan sa loob ng tatlong taon at anim na buwan. At nang siya'y nanalangin para umulan, bumagsak nga ang ulan at namunga ang mga halaman. Mga kapatid, kung may kapatid kayong nalilihis ng landas at may isa namang umakay sa kanya upang magsisi, ito ang tandaan ninyo: sinumang makapagpabalik sa isang makasalanan mula sa kanyang maling pamumuhay ay nagliligtas ng isang kaluluwa sa kamatayan at nagpapawi ng maraming kasalanan. Mula kay Pedro, isang apostol ni Jesu-Cristo— Sa mga hinirang ng Diyos na nakikipamayan sa mga lalawigan ng Ponto, Galacia, Capadocia, Asia, at Bitinia. Kayo'y pinili ng Diyos Ama ayon sa kanyang layunin sa mula't mula pa at pinabanal ng Espiritu Santo, upang maging masunurin kay Jesu-Cristo at nilinis sa pamamagitan ng kanyang dugo. Sumagana nawa sa inyo ang kagandahang-loob at kapayapaan. Pasalamatan natin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Dahil sa laki ng habag niya sa atin, tayo'y binigyan niya ng isang panibagong buhay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo. Ito ang nagbigay sa atin ng isang buháy na pag-asa na magmamana tayo ng kayamanang di masisira, walang kapintasan, at di kukupas na inihanda ng Diyos sa langit para sa inyo. Sa pamamagitan ng inyong pananampalataya, iniingatan kayo ng kapangyarihan ng Diyos habang hinihintay ninyo ang kaligtasang nakahandang ihayag sa katapusan ng panahon. Ito'y dapat ninyong ikagalak, kahit na maaaring magdanas muna kayo ng iba't ibang pagsubok sa loob ng maikling panahon. Ang ginto, bagama't nasisira, ay pinapadaan sa apoy upang malaman kung talagang dalisay. Gayundin naman, ang inyong pananampalataya, na higit na mahalaga kaysa ginto, ay sinusubok upang malaman kung ito'y talagang tapat. Sa gayon kayo'y papupurihan, dadakilain at pararangalan sa Araw na mahayag si Jesu-Cristo. Hindi ninyo siya nakita ngunit siya'y inibig ninyo. Hindi pa rin ninyo siya nakikita hanggang ngayon, ngunit sumasampalataya kayo sa kanya. Dahil dito'y nag-uumapaw na sa inyong puso ang kagalakang di kayang ilarawan sa salita, sapagkat tinatanggap na ninyo ang bunga ng inyong pananampalataya, ang kaligtasan ng inyong buhay. Tungkol sa kaligtasang ito masusing nagsiyasat at nagsuri ang mga propetang nagpahayag tungkol sa pagpapalang nakalaan sa inyo. Sinuri nila kung kailan at paano ito mangyayari. Ang panahong ito ang tinutukoy ng Espiritu ni Cristo na nasa kanila nang unang ipahayag nito ang hirap na titiisin ni Cristo at ang karangalang tatamuhin niya. Nang kanilang ipahayag ang mga katotohanang ito, ipinaunawa sa kanila ng Diyos na ang ginagawa nila ay para sa inyo, at hindi para sa kanila. Ang mga katotohanang ito'y narinig ninyo ngayon sa mga nangangaral ng Magandang Balita sa kapangyarihan ng Espiritu Santo na isinugo mula sa langit. Maging ang mga anghel sa langit ay nanabik na maunawaan ang mga katotohanang ito. Kaya nga, ihanda ninyo ang inyong mga isipan para sa dapat ninyong gawin. Maging mahinahon kayo at lubos na umasa sa pagpapalang tatamuhin ninyo kapag nahayag na si Jesu-Cristo. Bilang masunuring mga anak, huwag kayong umayon sa masasamang pagnanasa tulad ng ginagawa ninyo noong kayo'y wala pang tunay na pagkaunawa. Dahil ang Diyos na pumili sa inyo ay banal, dapat din kayong magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa, sapagkat nasusulat, “Magpakabanal kayo, sapagkat ako'y banal.” Walang kinikilingan ang Diyos. Hinahatulan niya ang mga tao ayon sa mga ginawa nila. At dahil tinatawag ninyo siyang Ama, mamuhay kayong may takot sa kanya habang kayo'y nasa mundong ito. Alam ninyo kung ano ang ipinantubos sa inyo sa walang kabuluhang pamumuhay na inyong minana sa inyong mga magulang. Tinubos kayo hindi sa pamamagitan ng mga bagay na nasisira, tulad ng ginto o pilak, kundi sa pamamagitan ng mahalagang dugo ni Cristo. Siya'y tulad ng korderong walang dungis at kapintasan. Itinalaga siya ng Diyos bago pa nilikha ang daigdig, at alang-alang sa inyo ay ipinahayag sa mga huling araw na ito. Dahil kay Cristo, sumasampalataya kayo sa Diyos na sa kanya'y muling bumuhay at nagparangal, kaya't ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nasa Diyos. Ngayon nalinis na ninyo ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng inyong pagsunod sa katotohanan, at naghahari na sa inyo ang tapat na pagmamahal sa mga kapatid. Kaya, maalab at taos-puso kayong magmahalan. Sapagkat muli kayong isinilang, hindi sa pamamagitan ng binhing nasisira, kundi sa pamamagitan ng buháy at walang kamatayang salita ng Diyos. Ayon sa kasulatan, “Ang lahat ng tao ay tulad ng damo, gaya ng bulaklak nito ang lahat niyang kariktan. Ang damo ay nalalanta, at ang bulaklak ay kumukupas, ngunit ang salita ng Panginoon ay nananatili magpakailanman.” Ang salitang ito ay ang Magandang Balitang ipinangaral sa inyo. Kaya nga, talikuran na ninyo ang lahat ng kasamaan, ang lahat ng pandaraya, pagkukunwari, pagkainggit at paninirang-puri. Gaya ng sanggol, kayo'y manabik sa dalisay na gatas na espirituwal upang lumago kayo tungo sa kaligtasan, sapagkat “Naranasan na ninyo ang kabutihan ng Panginoon.” Lumapit kayo sa kanya, sa batong buháy na itinakwil ng mga tao ngunit pinili ng Diyos at mahalaga sa kanyang paningin. Tulad ng mga batong buháy, maging bahagi kayo ng isang templong espirituwal. Bilang mga paring itinalaga para sa Diyos, mag-alay kayo sa Diyos ng mga handog na espirituwal na kalugud-lugod sa kanya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Tingnan ninyo, inilalagay ko sa Zion ang isang batong-panulukan, pinili at mahalaga; hindi mapapahiya ang sinumang sumasampalataya sa kanya.” Kaya nga, mahalaga siya sa inyong mga sumasampalataya sa kanya, ngunit sa mga hindi sumasampalataya, natutupad ang mga ito: “Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong-pundasyon.” At “Ito ang batong katitisuran ng mga tao, batong ikadadapa nila.” Natisod sila sapagkat hindi sila sumunod sa salita ng Diyos; ganoon ang nakatakda para sa kanila. Ngunit kayo ay isang lahing pinili, mga maharlikang pari, isang bansang hinirang, bayang pag-aari ng Diyos, pinili upang magpahayag ng mga kahanga-hangang ginawa niya. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kanyang kahanga-hangang kaliwanagan. Kayo'y hindi bayan ng Diyos noon; ngunit ngayon, kayo'y bayang hinirang niya. Noon ay hindi kayo nakatanggap ng habag, ngunit ngayo'y tumanggap na kayo ng kanyang habag. Mga minamahal, nakikiusap ako sa inyo, bilang mga dayuhan at pansamantalang naninirahan lamang sa daigdig na ito, talikuran na ninyo ang mga pagnanasa ng laman na nakikidigma sa inyong mga sarili. Mamuhay kayo nang maayos sa gitna ng mga Hentil upang kahit na paratangan nila kayo ng masama, makikita nila ang inyong mabubuting gawa at magpupuri sila sa Diyos sa Araw ng kanyang pagdating. Alang-alang sa Panginoon, pasakop kayo sa lahat ng may kapangyarihan sa bayan, sa Emperador, na siyang pinakamataas na kapangyarihan, at sa mga gobernador, na isinugo niya upang magparusa sa mga gumagawa ng masama at magparangal sa mga gumagawa ng mabuti. Nais ng Diyos na sa pamamagitan ng inyong wastong pamumuhay ay mapatigil ninyo ang mga hangal sa kanilang kamangmangan. Mamuhay kayong tulad ng mga taong malaya, subalit huwag ninyong gawing dahilan sa paggawa ng masama ang inyong kalayaan. Sa halip, mamuhay kayo bilang mga alipin ng Diyos. Igalang ninyo ang lahat ng tao at mahalin ang mga kapatid kay Cristo. Mamuhay kayo nang may takot sa Diyos. Igalang ninyo ang Emperador. Mga alipin, magpasakop kayo sa inyong mga amo at igalang ninyo sila, hindi lamang ang mababait at mapagbigay kundi pati ang malulupit. Sapagkat kapuri-puri ang nagtitiis ng parusa kahit walang kasalanan, bilang pagsang-ayon sa kalooban ng Diyos. Maipagmamalaki ba ang magtiis ng parusa kung ito ay dahil sa paggawa ng masama? Hindi! Ngunit kung magtiis kayo ng hirap sa kabila ng paggawa ninyo ng mabuti, pagpapalain kayo ng Diyos. Ang pagtitiis ng hirap ay bahagi ng pagkatawag sa inyo ng Diyos, sapagkat nang si Cristo ay magtiis para sa inyo, nag-iwan siya sa inyo ng isang halimbawa na dapat ninyong lubos na tularan. Hindi siya gumawa ng anumang kasalanan, o nagsinungaling kailanman. Nang siya'y insultuhin, hindi siya gumanti ng insulto. Nang siya'y pahirapan, hindi siya nagbanta; sa halip, ipinaubaya niya ang lahat sa Diyos na makatarungan kung humatol. Sa kanyang pagkamatay sa krus, pinasan niya ang ating mga kasalanan upang tayo'y mamatay na sa kasalanan at mamuhay nang ayon sa kalooban ng Diyos. Sa pamamagitan ng kanyang mga sugat, kayo'y pinagaling. Sapagkat kayo ay tulad ng mga tupang naligaw, ngunit ngayon kayo'y nanumbalik na upang sumunod sa Pastol at Tagapangalaga ng inyong mga kaluluwa. Kayo namang mga babae, pasakop kayo sa inyu-inyong asawa. Sa gayon, kung mayroon sa kanila na hindi pa naniniwala sa salita ng Diyos, mahihikayat din silang sumampalataya dahil sa inyong magandang asal. Kahit hindi na kayo magpaliwanag pa sa kanila, sapat nang makita nila ang inyong maka-Diyos at malinis na pamumuhay. Ang inyong ganda ay huwag maging panlabas lamang tulad ng pag-aayos ng buhok at pagsusuot ng mga gintong alahas at mamahaling damit. Sa halip, pagyamanin ninyo ang kagandahang nakatago sa puso, ang kagandahang walang kupas na likha ng maamo at mapayapang diwa, na lubhang mahalaga sa paningin ng Diyos. Iyan ang pagpapagandang ginawa noong unang panahon ng mga babaing banal na umasa sa Diyos. At sila'y nagpasakop sa kanilang mga asawa. Tulad ni Sara, sinunod niya at tinawag na panginoon ang asawa niyang si Abraham. Kayo rin ay mapapabilang sa kanyang mga anak kung matuwid ang inyong mga gawa, at kung wala kayong anumang kinatatakutan. Kayo namang mga lalaki, unawain ninyo at pakitunguhang mabuti ang inyong asawa, sapagkat sila'y mas mahina. At sila'y kasama ninyong tatanggap ng buhay na kaloob ng Diyos. Gawin ninyo ito upang walang maging sagabal sa inyong mga panalangin. Sa madaling salita, magkaisa kayo at magdamayan, magmahalan bilang magkakapatid at maging maunawain at mapagpakumbaba. Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama. Huwag ninyong sumpain ang sumusumpa sa inyo. Sa halip, pagpalain ninyo sila dahil pinili kayo upang tumanggap ng pagpapala ng Diyos. Ayon sa nasusulat, “Ang mga nagnanais ng payapa at saganang pamumuhay, dila nila'y pigilan sa pagsasabi ng kasamaan. Ang anumang panlilinlang at madayang pananalita sa kanyang mga labi ay di dapat mamutawi. Ang masama'y iwasan na, at ang gawin ay ang tama; at ang laging pagsikapan ay buhay na mapayapa. Ang mga mata ng Panginoon, sa matuwid nakatuon, ang kanilang panalangin ay kanyang pinakikinggan, ngunit ang masasama ay kanyang sinasalungat.” At sino naman ang gagawa sa inyo ng masama kung masigasig kayo sa paggawa ng mabuti? At sakali mang usigin kayo dahil sa pagsunod sa kalooban ng Diyos, pinagpala kayo! Huwag kayong matakot sa kanila at huwag kayong mabagabag. Igalang ninyo si Cristo mula sa inyong puso bilang Panginoon. Lagi kayong maging handang sumagot sa sinumang humihingi ng paliwanag sa inyo tungkol sa pag-asang nasa inyo. Ngunit gawin ninyo ito nang mahinahon at may paggalang. Panatilihin ninyong malinis ang inyong budhi upang mapahiya ang mga nanlalait at humahamak sa inyong magandang pag-uugali bilang mga lingkod ni Cristo. Higit na mainam ang kayo'y magdusa dahil sa paggawa ng mabuti, sakali mang ito'y ipahintulot ng Diyos, kaysa magdusa kayo dahil sa paggawa ng masama. Sapagkat si Cristo na walang kasalanan ay namatay nang minsan para sa inyo na mga makasalanan, upang iharap kayo sa Diyos. Siya'y pinatay sa laman, at muling binuhay sa espiritu. Sa kalagayang ito, nagpunta siya at nangaral sa mga espiritung nakabilanggo. Sila ang mga espiritung ayaw sumunod noong matiyagang naghihintay ang Diyos nang panahon ni Noe, habang ginagawa nito ang daong. Doon ay iilang tao, walo lamang, ang nakaligtas sa tubig. Ang tubig ay larawan ng bautismong nagliligtas sa inyo ngayon. Hindi nito nililinis ang dumi ng katawan; ito'y pangako sa Diyos buhat sa isang malinis na budhi. Inililigtas kayo ng bautismo sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo, na umakyat sa langit at ngayo'y nasa kanan ng Diyos. Naghahari siya roon sa mga anghel at sa mga kapangyarihan sa langit. Yamang si Cristo'y nagtiis ng hirap noong siya'y nasa buhay na ito, kayo man ay dapat maging handang magtiis, sapagkat ang nagtiis na ng hirap sa buhay na ito ay tumalikod na sa kasalanan. Kaya nga mula ngayon ay mamuhay na tayong sumusunod sa kalooban ng Diyos, at hindi sa pagnanasa ng laman. Sapat na ang panahong inaksaya ninyo sa paggawa ng mga bagay na kinahuhumalingan ng mga Hentil: kahalayan, mga pagnanasa ng laman, paglalasing, walang habas na pagsasaya, pag-iinuman, at kasuklam-suklam na pagsamba sa mga diyus-diyosan. Nagtataka nga sila kung bakit hindi na kayo sumasama ngayon sa kanilang magulong pamumuhay kaya kayo'y kinukutya nila, ngunit mananagot sila sa Diyos na handang humatol sa mga buháy at sa mga patay. Ipinangaral din ang Magandang Balita sa mga patay upang bagama't sila'y nahusgahan ayon sa laman gaya ng lahat ng nasa laman, mabubuhay sila sa espiritu sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Malapit na ang wakas ng lahat ng bagay, kaya't maging mapagtimpi kayo at panatilihing malinaw ang inyong pag-iisip upang kayo'y makapanalangin. Higit sa lahat, magmahalan kayo nang tapat, sapagkat ang pagmamahal ay pumapawi ng maraming kasalanan. Buksan ninyo para sa isa't isa ang inyong mga tahanan at gawin ninyo ito nang hindi mabigat sa loob. Bilang mabubuting katiwala ng iba't ibang kaloob ng Diyos, gamitin ninyo sa kapakinabangan ng lahat ang kakayahang tinanggap ng bawat isa sa inyo. Ang nangangaral ay dapat salita ng Diyos ang ipangaral. Ang naglilingkod ay dapat maglingkod gamit ang lakas na kaloob sa iyo ng Diyos upang sa lahat ng bagay siya'y papurihan sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Sa kanya ang kapangyarihan at karangalan magpakailanman! Amen. Mga minamahal, huwag na kayong magtaka sa mabibigat na pagsubok na inyong dinaranas na para bang ito'y di pangkaraniwan. Sa halip, magalak kayo sa inyong pakikibahagi sa mga paghihirap ni Cristo upang maging lubos ang inyong kagalakan kapag nahayag na ang kanyang kaluwalhatian. Pinagpala kayo kung kayo'y kinukutya dahil kay Cristo, sapagkat sumasainyo ang Espiritu ng kaluwalhatian, ang Espiritu ng Diyos. Huwag nawang mangyaring magdusa ang sinuman sa inyo dahil siya'y mamamatay-tao, magnanakaw, salarin o pakialamero. Ngunit kung kayo'y magdusa dahil sa pagiging Cristiano, huwag ninyong ikahiya ito; sa halip, magpasalamat kayo sa Diyos sapagkat taglay ninyo ang pangalan ni Cristo. Dumating na ang panahon ng paghuhukom, at ito'y magsisimula sa sambahayan ng Diyos. At kung sa atin ito magsisimula, ano kaya ang magiging wakas ng mga hindi sumusunod sa Magandang Balita ng Diyos? Tulad ng sinasabi ng kasulatan, “Kung ang taong matuwid ay napakahirap maligtas, ano kaya ang kahihinatnan ng mga makasalanan at hindi kumikilala sa Diyos?” Kaya nga, ang mga nagdurusa ayon sa kalooban ng Diyos ay dapat magtiwala sa Lumikha, at magpatuloy sa paggawa ng mabuti. Ang Diyos ay laging tapat sa kanyang pangako. Sa matatandang namumuno sa inyo, nananawagan ako bilang isa ring matandang pinuno ng iglesya na tulad ninyo, bilang saksi sa mga paghihirap ni Cristo at sapagkat makakabahagi ako sa karangalang malapit nang ipahayag. Pangalagaan ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Gawin ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang. [Iyan ang nais ng Diyos]. Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa kabayaran kundi dahil gusto ninyong makapaglingkod, hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi maging halimbawa kayo sa kawan. At pagparito ng Pinunong Pastol ay tatanggap kayo ng maluwalhating koronang di kukupas kailanman. At kayo namang mga kabataan, pasakop kayo sa matatandang pinuno ng iglesya. At kayong lahat ay magpakumbaba sapagkat, “Sinasalungat ng Diyos ang mapagmataas, ngunit pinagpapala niya ang mababang-loob.” Kaya nga, pasakop kayo sa kapangyarihan ng Diyos at dadakilain niya kayo pagdating ng takdang panahon. Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo. Maging handa kayo at magbantay. Ang diyablo, ang kaaway ninyo, ay parang leong umuungal at aali-aligid na naghahanap ng malalapa. Labanan ninyo siya at magpakatatag kayo sa inyong pananampalataya sa Diyos. Tulad ng alam ninyo, hindi lamang kayo ang nagtitiis ng mga kahirapan, kundi gayundin ang inyong mga kapatid sa buong daigdig. Pagkatapos ninyong magtiis sa loob ng maikling panahon, ang Diyos, na siyang pinanggagalingan ng lahat ng pagpapala, ang siyang magbibigay sa inyo ng kagalingan, katatagan, at lakas ng loob at isang pundasyong di matitinag. Siya ang tumawag sa inyo upang makibahagi kayo sa kanyang walang hanggang kaluwalhatian, kasama ni Cristo. Sa kanya ang kapangyarihan magpakailanman! Amen. Sinulatan ko kayo sa tulong ni Silas, na isa nating kapatid at lubos kong pinagkakatiwalaan. Sa pamamagitan ng maikling sulat na ito ay nais kong palakasin ang inyong loob at magpatotoo na ito nga ang kagandahang-loob ng Diyos. Manatili kayo sa pagpapalang ito. Kinukumusta kayo ng mga kapatid na nasa Babilonia, mga pinili ring katulad ninyo; kinukumusta rin kayo ni Marcos, na aking anak sa pananampalataya. Magbatian kayo bilang magkakapatid na nagmamahalan. Ang kapayapaan ay sumainyong lahat na mga nakipag-isa kay Cristo. Mula kay Simon Pedro, isang lingkod at apostol ni Jesu-Cristo— Para sa inyong lahat na tulad nami'y tumanggap ng napakahalagang pananampalatayang mula sa ating makatarungang Diyos at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sumagana nawa sa inyo ang kagandahang-loob at kapayapaan ng Diyos sa pamamagitan ng inyong pagkakilala sa kanya at sa ating Panginoong Jesus. Tinanggap natin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng bagay na magtuturo sa atin upang tayo'y mamuhay na maka-Diyos. Ito'y dahil sa ating pagkakilala kay Jesus, na siya ring tumawag sa atin upang bahaginan tayo ng kanyang kaluwalhatian at kadakilaan. Sa paraang ito ay binigyan niya tayo ng mga dakila at napakahalagang pangako upang makaiwas kayo sa nakakasirang pagnanasa sa sanlibutang ito at upang makabahagi tayo sa kanyang likas bilang Diyos. Dahil dito, sikapin ninyong idagdag sa inyong pananampalataya ang kabutihan; sa inyong kabutihan, ang kaalaman; sa inyong kaalaman, ang pagpipigil sa sarili; sa inyong pagpipigil sa sarili, ang katatagan; sa inyong katatagan, ang pagiging maka-Diyos; sa inyong pagiging maka-Diyos, ang pagmamalasakit sa kapatid; at sa inyong pagmamalasakit, ang pag-ibig. Kung ang mga katangiang ito ay taglay ninyo at pinagyayaman, ang inyong pagkakilala sa Panginoong Jesu-Cristo ay hindi mawawalan ng kabuluhan at kapakinabangan. Ngunit kung wala sa inyo ang mga ito, kayo ay parang bulag at hindi nakakakita, at nakalimot na nilinis na kayo sa inyong mga kasalanan. Kaya nga, mga kapatid, lalo kayong maging masigasig upang matiyak ninyo na kayo ay tinawag at pinili ng Diyos. Kung gagawin ninyo ito, hindi kayo matitisod. Sa ganitong paraan, kayo'y malugod na papapasukin sa walang hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Kaya, kahit na alam na ninyo ang katotohanang inyong tinanggap at matatag na kayo rito, lagi ko pa rin kayong paaalalahanan tungkol dito. Minabuti kong sariwain ito sa inyong isipan habang ako'y nabubuhay pa. Alam kong malapit ko nang iwan ang katawang ito, ayon sa ipinahayag sa akin ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Kaya't gagawin ko ang lahat upang maalala pa rin ninyong lagi ang mga bagay na ito kahit ako'y pumanaw na. Ang ipinahayag namin sa inyo tungkol sa kapangyarihan at muling pagparito ng ating Panginoong Jesu-Cristo ay hindi namin ibinatay sa mga alamat na katha lamang ng tao. Nasaksihan ng aming mga mata ang kanyang kadakilaan nang tanggapin niya mula sa Ama ang karangalan at kaluwalhatian. Ito'y nangyari nang marinig namin ang tinig mula sa dakilang kaluwalhatian ng langit na nagsabing, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan.” Narinig namin ito mula sa langit sapagkat kami'y kasama niya nang ito'y maganap sa banal na bundok. Kaya naman lalong tumibay ang aming paniniwala sa ipinahayag ng mga propeta. Makakabuti na ito'y pag-ukulan ninyo ng pansin, sapagkat tulad ito sa isang ilaw sa kadiliman na tumatanglaw sa inyo hanggang sa sumikat ang araw ng Panginoon at magliwanag sa inyong mga puso ang bituin sa umaga. Higit sa lahat, unawain ninyong walang makapagbibigay ng sariling pagpapakahulugan sa alinmang propesiya sa Kasulatan, sapagkat ang pahayag ng mga propeta ay hindi nagmula sa kalooban lamang ng tao; ito'y galing sa Diyos at ipinahayag ng mga taong nasa ilalim ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. Noong una, may mga huwad na propetang lumitaw sa Israel. Gayundin naman, may darating sa gitna ninyo na mga huwad na guro. Lihim silang magtuturo ng mga maling aral na ang dulot ay kapahamakan. Pati ang Panginoong tumubos sa kanila ay kanilang itatakwil, kaya't di magtatagal at sila'y mapapahamak. At marami silang mahihikayat na sumunod sa kanilang kahalayan; at dahil dito, pati ang daan ng katotohanan ay malalapastangan. Sa kanilang kasakiman, lilinlangin nila kayo sa pamamagitan ng kanilang aral na kathang-isip lamang. Matagal nang nakahanda ang hatol sa kanila at ang pupuksa sa kanila ay hindi natutulog. Hindi pinatawad ng Diyos ang mga anghel na nagkasala. Sila'y itinapon sa impiyerno kung saan sila'y iginapos sa kadiliman upang doon hintayin ang Araw ng Paghuhukom. Dahil sa kasalanan ng tao noong unang panahon, ginunaw ng Diyos ang daigdig sa pamamagitan ng baha. Wala siyang iniligtas maliban kay Noe na nangaral tungkol sa matuwid na pamumuhay, at ang pito niyang kasama. Sinumpa [at tinupok] ng Diyos ang mga lungsod ng Sodoma at Gomorra upang maging babala sa masasama tungkol sa kanilang kasasapitan. Ngunit iniligtas ng Diyos si Lot, isang taong matuwid, na lubhang nabagabag ng mga kahalayang ginagawa ng masasama noong panahon niya. Naghirap ang kalooban ng matuwid na taong ito sa kasamaang nasasaksihan niya araw-araw habang siya'y nakatira doon. Kaya, alam ng Panginoon kung paano ililigtas mula sa mga pagsubok ang mga tapat sa kanya, at kung paano paparusahan ang masasama hanggang sa araw na sila'y hatulan, lalo na ang sumusunod sa mahahalay na pagnanasa ng katawan at ayaw kumilala sa maykapangyarihan. Pangahas at mapagmataas ang mga huwad na gurong ito. Wala silang pakundangan sa mga tagalangit, at sa halip ay nilalapastangan pa nila ang mga ito. Samantalang ang mga anghel na higit na malakas at makapangyarihan ay hindi gumamit ng panlalait sa kanilang paghaharap sa Panginoon ng sakdal laban sa mga ito. Ang mga taong ito'y parang mga hayop na walang isip at ipinanganak upang hulihin at patayin. Kinakalaban nila ang mga bagay na hindi nila nauunawaan, kaya't papatayin din sila tulad ng maiilap na hayop. Pahihirapan sila gaya ng pagpapahirap nila sa iba. Kaligayahan na nila ang hayagang magbigay kasiyahan sa kanilang pagnanasa. Dumadalo pa naman sila sa inyong salu-salo, ngunit kahiya-hiya at kasiraang-puri ang kanilang ginagawa; ikinatutuwa nilang kayo'y kanilang nalilinlang. Wala silang hinahanap kundi ang pagkakataong makiapid; wala silang sawa sa paggawa ng kasalanan. Itinutulak pa nila sa pagkakasala ang mahihina. Sila'y mga sakim at sila'y isinumpa! Lumihis sila sa matuwid na landas at naligaw. Tinularan nila si Balaam, anak ni Beor na nagpahalaga sa salapi kapalit ng paggawa niya ng masama. Dahil sa kanyang kasalanan, siya'y sinumbatan ng kanyang asno na nagsalitang parang tao upang siya'y sawayin sa kanyang kabaliwan. Ang katulad ng mga huwad na gurong ito ay mga batis na walang tubig, at ulap na itinataboy ng malakas na hangin. Inilaan na ng Diyos para sa kanila ang napakalalim at napakadilim na lugar. Sa pamamagitan ng mayayabang na pananalita na panay kahangalan lamang, ginagamit nila ang pagnanasa ng laman upang maakit sa kahalayan ang mga nagsisimula pa lamang lumayo sa mga taong namumuhay nang may kalikuan. Ipinapangako nila ang kalayaan, subalit sila mismo ay alipin ng kasamaan, sapagkat ang tao ay alipin ng anumang dumadaig sa kanya. Sapagkat kung nakatakas na sa kasamaan ng sanlibutan ang mga taong kumilala kay Jesu-Cristo na Panginoon at Tagapagligtas, ngunit muli silang maakit sa dating masamang gawain at tuluyang mahulog dito, ang magiging kalagayan nila ay masahol pa sa dati. Mabuti pang hindi na nila nalaman ang daang matuwid, kaysa pagkatapos malaman ang banal na utos na itinuro sa kanila ay talikuran nila ito. Ang nangyari sa kanila ay nagpapatunay na totoo ang mga kasabihang: “Ang aso pagkatapos sumuka ay muling kinakain ang nailuwa na,” at, “Ang baboy na pinaliguan ay bumabalik sa putikan.” Mga minamahal, ito ang ikalawang sulat ko sa inyo. Sa dalawang sulat na ito ay sinikap kong gisingin ang malinis ninyong isipan sa pamamagitan ng pagpapaalala ng ilang mga bagay. Alalahanin ninyo ang mga sinabi noon ng mga banal na propeta at ang utos na ibinigay sa inyo ng Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng mga apostol na isinugo sa inyo. Una sa lahat, dapat ninyong malaman na sa mga huling araw ay pagtatawanan kayo ng mga taong namumuhay ayon sa sarili nilang pagnanasa. Sasabihin nila, “Nangako siyang darating, hindi ba? Nasaan na siya? Namatay na ang ating mga ninuno ngunit wala pa ring pagbabago buhat nang likhain ang mundong ito.” Sinasadya nilang hindi pahalagahan ang katotohanang ang langit at lupa ay nilikha ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang salita. Nilikha ang lupa buhat sa tubig at sa pamamagitan ng tubig. Sa pamamagitan din ng tubig—ng Malaking Baha—ginunaw ang daigdig nang panahong iyon. Sa pamamagitan din ng salitang iyon ay nananatili ang mga langit at ang lupa upang tupukin sa apoy pagdating ng Araw ng Paghuhukom at pagpaparusa sa masasama. Mga minamahal, huwag ninyong kalilimutan na sa Panginoon, ang isang araw ay tulad ng sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay tulad ng isang araw lamang. Ang Panginoon ay hindi nagpapabaya sa kanyang pangako gaya ng inaakala ng ilan. Sa halip, nagbibigay siya ng pagkakataon sa lahat sapagkat hindi niya nais na may mapahamak, kundi ang lahat ay makapagsisi at tumalikod sa kasalanan. Ngunit ang Araw ng Panginoon ay darating tulad ng isang magnanakaw. Sa araw na iyon, ang kalangitan ay biglang mawawala kasabay ng isang malakas na ugong. Matutupok ang araw, buwan at mga bituin. Ang mundo at ang lahat ng mga bagay na naririto ay mawawala. At dahil ganito ang magiging wakas ng lahat ng bagay, mamuhay kayo nang may kabanalan at sikapin ninyong maging maka-Diyos habang hinihintay ninyo ang Araw ng Diyos. Magsikap kayong mabuti upang dumating agad ang araw na ang kalangitan ay matutupok at ang mga bagay na naroroon ay matutunaw sa matinding init. Subalit ayon sa pangako ng Diyos, naghihintay tayo ng bagong langit at ng bagong lupa na paghaharian ng katuwiran. Kaya nga, mga minamahal, habang naghihintay kayo, sikapin ninyong kayo'y madatnang namumuhay nang mapayapa, walang dungis at walang kapintasan. Isipin ninyong kaya nagtitimpi ang Panginoon ay upang bigyan kayo ng pagkakataong maligtas. Iyan ang isinulat sa inyo ng kapatid nating si Pablo, taglay ang karunungang kaloob sa kanya ng Diyos. Sa lahat ng sulat niya tungkol sa paksang ito, ganito ang lagi niyang paalala. May ilang bahagi sa kanyang mga sulat ay mahirap unawain, at binibigyan ng maling kahulugan ng mga mangmang at maguguló ang pag-iisip. Ganyan din ang kanilang ginagawa sa ibang mga Kasulatan, kaya nga't ipinapahamak nila ang kanilang sarili. Ngayong ito'y alam na ninyo, mga kapatid, dapat kayong mag-ingat upang huwag kayong mailigaw ng mga taong walang sinusunod na batas. Sa gayon, hindi kayo matitinag sa inyong mabuting kalagayan. Sa halip, patuloy kayong lumago sa kagandahang-loob ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, at sa pagkakilala sa kanya. Sa kanya ang kaluwalhatian, ngayon at magpakailanman! Amen. Sumusulat kami sa inyo tungkol sa kanya na sa simula pa'y siya na, ang Salitang nagbibigay-buhay. Siya ay aming narinig at nakita, napagmasdan at nahawakan. Nahayag ang buhay na ito, nakita namin siya, at pinapatotohanan namin at ipinapangaral sa inyo ang buhay na walang hanggan na kasama ng Ama, at nahayag sa amin. Ipinapahayag nga namin sa inyo ang aming nakita't narinig upang makasama kayo sa aming pakikiisa sa Ama at sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Isinusulat namin ito upang malubos ang aming kagalakan. Ito ang aming narinig sa kanyang Anak at ipinapahayag naman namin sa inyo: ang Diyos ay liwanag at walang anumang kadiliman sa kanya. Kung sinasabi nating tayo'y may pakikiisa sa kanya ngunit namumuhay naman tayo sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi namumuhay ayon sa katotohanan. Ngunit kung namumuhay tayo sa liwanag, gaya niya na nasa liwanag, tayo'y nagkakaisa at ang lahat ng ating kasalanan ay nililinis ng dugo ni Jesus na kanyang Anak. Kung sinasabi nating tayo'y walang kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at wala sa atin ang katotohanan. Subalit kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, patatawarin tayo ng Diyos sa mga ito, at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan, sapagkat siya'y tapat at matuwid. Kung sinasabi nating hindi tayo nagkasala, ginagawa nating sinungaling ang Diyos, at wala sa atin ang kanyang salita. Mga anak, isinusulat ko ito sa inyo upang huwag kayong magkasala. Ngunit kung magkasala ang sinuman, may Tagapagtanggol tayo sa Ama, si Jesu-Cristo, ang matuwid. Si Cristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan, hindi lamang ang ating mga kasalanan, kundi maging ang kasalanan ng lahat ng tao. Nakakatiyak tayong nakikilala natin ang Diyos kung sinusunod natin ang kanyang mga utos. Ang nagsasabing, “Nakikilala ko siya,” ngunit hindi naman sumusunod sa kanyang mga utos ay sinungaling, at wala sa kanya ang katotohanan. Ngunit ang tumutupad sa salita ng Diyos ay umiibig nang wagas sa Diyos. Sa ganito, nalalaman natin na tayo'y talagang nasa kanya. Sinumang nagsasabing nananatili siya sa Diyos ay dapat mamuhay tulad ng pamumuhay ni Jesu-Cristo. Mga minamahal, hindi isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo, kundi ang dating utos na nasa inyo sa simula pa. Ito'y ang mensaheng narinig na ninyo. Ngunit, maituturing na isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo; sapagkat napapawi na ang kadiliman at lumiliwanag na ang tunay na ilaw. Ang katotohanan nito'y nasaksihan sa buhay ni Cristo at nakikita rin naman sa atin. Ang nagsasabing siya'y nasa liwanag ngunit napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa. Ang umiibig sa kanyang kapatid ay nananatili sa liwanag, at hindi siya magiging sanhi ng pagkakasala ng iba. Ngunit ang napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa. Lumalakad siya sa kadiliman at hindi niya nalalaman ang kanyang pupuntahan, sapagkat binulag siya ng kadiliman. Sumusulat ako sa inyo, mga anak, sapagkat pinatawad na ang inyong mga kasalanan alang-alang sa kanyang pangalan. Sumusulat ako sa inyo, mga ama, sapagkat kilala ninyo siya, na sa simula pa'y siya na. Sumusulat ako sa inyo, mga kabataan, sapagkat napagtagumpayan na ninyo ang Masama. Sumusulat ako sa inyo, mga anak, sapagkat kilala ninyo ang Ama. Sumusulat ako sa inyo, mga ama, sapagkat kilala ninyo siya, na sa simula pa'y siya na. Sumusulat ako sa inyo, mga kabataan, sapagkat malalakas kayo; nananatili sa inyo ang salita ng Diyos, at napagtagumpayan na ninyo ang Masama. Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay na nasa sanlibutan. Ang umiibig sa sanlibutan ay hindi umiibig sa Ama. Ang lahat ng nasa sanlibutan, ang pagnanasa ng laman, ang pagnanasa ng mga mata, at ang pagmamalaki sa buhay na ito ay hindi nagmumula sa Ama kundi sa sanlibutan. Mawawala ang sanlibutan at ang lahat ng mga bagay na pinagnanasaan ng mga tao, ngunit ang mga sumusunod sa kalooban ng Diyos ay mabubuhay magpakailanman. Mga anak, ito na ang huling panahon! Tulad ng inyong narinig, darating ang kaaway ni Cristo. Ngayon nga'y marami nang lumilitaw na mga kaaway ni Cristo, kaya't alam nating malapit na ang wakas. Kahit na sila'y mga dati nating kasamahan, ang mga taong iyon ay hindi natin tunay na kasama. Sapagkat kung sila'y tunay na atin, nanatili sana silang kasama natin. Ngunit umalis sila upang maging maliwanag na silang lahat ay hindi tunay na kasama natin. Ngunit ipinagkaloob na sa inyo ang Espiritu Santo, at dahil dito, alam na ninyo ang buong katotohanan. Sumusulat ako sa inyo, hindi dahil sa hindi ninyo alam ang katotohanan, kundi dahil alam na ninyo ito, at alam din ninyong walang kasinungalingang nagmumula sa katotohanan. Sino nga ba ang sinungaling? Hindi ba't siya na nagsasabing si Jesus ay hindi ang Cristo? Ang mga nagsasabi nito ay kaaway ni Cristo; hindi nila pinaniniwalaan ang Ama at ang Anak. Ang hindi kumikilala sa Anak ay hindi rin kumikilala sa Ama. Ang kumikilala sa Anak ay kumikilala rin sa Ama. Pakaingatan ninyo sa inyong puso ang narinig ninyo sa simula pa. Kung gagawin ninyo ito, mananatili kayo sa Anak at sa Ama. At ito naman ang ipinangako sa atin ni Cristo, ang buhay na walang hanggan. Isinusulat ko sa inyo ito upang bigyan kayo ng babala laban sa mga taong nagnanais na iligaw kayo. Gayunpaman, ang Espiritu'y ipinagkaloob na ni Cristo sa inyo. At habang ang Espiritu'y nananatili sa inyo, hindi ninyo kakailanganing turuan pa kayo ng iba. Ang Espiritu ang nagtuturo sa inyo tungkol sa lahat ng bagay. Lahat ng itinuturo niya ay totoo, at walang bahid ng kasinungalingan. At tulad ng itinuro ng Espiritu, manatili kayo kay Cristo. Kaya nga, mga anak, manatili kayo sa kanya upang maging panatag ang ating loob sa muling pagparito niya, at nang hindi tayo mahiya sa kanya sa araw na iyon. Kung alam ninyong si Cristo'y masunurin sa kalooban ng Diyos, dapat din ninyong malaman na ang bawat sumusunod sa kalooban ng Diyos ay anak ng Diyos. Tingnan ninyo kung gaano kalaki ang pag-ibig sa atin ng Ama! Tinatawag tayong mga anak ng Diyos, at iyon nga ang totoo. Ang dahilan kung bakit hindi tayo nakikilala ng mga makasanlibutan ay hindi nila kinikilala ang Diyos. Mga minamahal, mga anak na tayo ng Diyos ngayon, ngunit hindi pa nahahayag ang magiging kalagayan natin. Ngunit alam nating sa pagdating ni Cristo, tayo'y magiging katulad niya, sapagkat makikita natin kung sino talaga siya. Kaya't ang sinumang may ganitong pag-asa kay Cristo ay nagsisikap na maging malinis tulad niyang malinis. Ang bawat nagkakasala ay lumalabag sa kautusan ng Diyos, sapagkat ang kasalanan ay paglabag sa kautusan. Nalalaman ninyong naparito si Cristo upang pawiin ang ating mga kasalanan, at siya'y walang kasalanan. Ang nananatili sa kanya ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala. Ang sinumang nagpapatuloy sa pagkakasala ay hindi nakakita ni nakakilala man sa kanya. Mga anak, huwag kayong palinlang kaninuman! Ang sinumang gumagawa ng matuwid ay matuwid tulad ni Cristo. Ang nagpapatuloy sa pagkakasala ay kampon ng diyablo, sapagkat sa simula pa'y nagkakasala na ang diyablo. Kaya't naparito ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo. Ang mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat nananatili sa kanila ang binhing mula sa Diyos. At dahil ang Diyos ang ama nila, hindi sila maaaring magpatuloy sa pagkakasala. Dito natin makikilala kung sino ang mga anak ng Diyos at kung sino ang mga anak ng diyablo: ang sinumang hindi gumagawa ng ayon sa kalooban ng Diyos at hindi umiibig sa kanyang kapatid ay hindi anak ng Diyos. Ito ang mensaheng narinig na ninyo sa simula pa: magmahalan tayo. Huwag tayong tumulad kay Cain na kampon ng diyablo. Pinaslang niya ang kanyang kapatid. Bakit? Sapagkat masama ang kanyang mga gawa, ngunit matuwid ang mga gawa ng kanyang kapatid. Kaya, mga kapatid, huwag kayong magtaka kung kinapopootan kayo ng sanlibutan. Nalalaman nating lumipat na tayo sa buhay mula sa kamatayan, sapagkat iniibig natin ang mga kapatid. Ang hindi umiibig ay nananatili sa kamatayan. Mamamatay-tao ang napopoot sa kanyang kapatid, at nalalaman ninyong ang buhay na walang hanggan ay wala sa mamamatay-tao. Dito natin nalalaman ang pag-ibig: inialay ni Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Kaya't dapat din nating ialay ang ating buhay para sa mga kapatid. Kapag nakita ng isang maykaya sa buhay ang kanyang kapatid na nangangailangan, at pinagkaitan niya ito ng tulong, masasabi bang siya'y umiibig sa Diyos? Mga anak, huwag tayong magmahal sa pamamagitan ng salita lamang, kundi patunayan natin ito sa pamamagitan ng gawa. Dito nga natin matitiyak na tayo'y nasa panig ng katotohanan, at matatahimik ang ating budhi sa harapan ng Diyos sakali mang tayo'y usigin nito. Sapagkat ang Diyos ay higit sa ating budhi, at alam niya ang lahat ng bagay. Mga minamahal, kung hindi tayo inuusig ng ating budhi, makakalapit tayo sa Diyos na panatag ang ating kalooban. Tinatanggap natin ang anumang ating hilingin sa kanya dahil sinusunod natin ang kanyang mga utos at ginagawa ang nakalulugod sa kanya. Ito ang kanyang utos: sumampalataya tayo sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo, at magmahalan tayo gaya ng iniutos ni Cristo sa atin. Ang sumusunod sa mga utos ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at nananatili naman sa kanya ang Diyos. At nalalaman nating nananatili siya sa atin sa pamamagitan ng Espiritung ipinagkaloob niya sa atin. Mga minamahal, huwag ninyong paniwalaan ang bawat nagsasabing nasa kanila ang Espiritu. Sa halip, subukin ninyo sila upang malaman kung talagang mula sa Diyos ang espiritung nasa kanila, sapagkat marami nang huwad na propeta sa mundong ito. Ito ang palatandaan na ang Espiritu ng Diyos nga ang nasa kanila: kung ipinapahayag nila na si Jesu-Cristo ay dumating bilang tao. Kung hindi gayon ang kanilang ipinapahayag tungkol kay Jesus, hindi mula sa Diyos ang espiritung nasa kanila. Ang espiritu ng Kaaway ni Cristo ang nasa kanila. Narinig na ninyong ito'y darating at ngayon nga'y nasa sanlibutan na. Mga anak, kayo nga'y sa Diyos at napagtagumpayan na ninyo ang mga huwad na propeta, sapagkat ang Espiritung nasa inyo ay mas makapangyarihan kaysa espiritung nasa mga makasanlibutan. Sila'y makasanlibutan, kaya't mula rin sa sanlibutan ang itinuturo nila, at nakikinig sa kanila ang mga makasanlibutan. Ngunit tayo'y sa Diyos. Ang sinumang kumikilala sa Diyos ay nakikinig sa atin; ngunit hindi nakikinig sa atin ang sinumang hindi sa Diyos. Sa ganito nga natin nakikilala ang Espiritu ng katotohanan at ang espiritu ng kasinungalingan. Mga minamahal, mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos at kumikilala sa Diyos. Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. Inihayag ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang isugo niya sa mundo ang kanyang kaisa-isang Anak upang magkaroon tayo ng buhay sa pamamagitan niya. Ito ang pag-ibig: hindi sa inibig natin ang Diyos, kundi tayo ang inibig niya at isinugo niya ang kanyang Anak upang maging handog para mapatawad ang ating mga kasalanan. Mga minamahal, kung ganoon kadakila ang pag-ibig ng Diyos sa atin, dapat din tayong magmahalan. Kailanma'y wala pang taong nakakita sa Diyos, ngunit kung tayo'y nagmamahalan, nasa atin ang Diyos at nagiging ganap sa atin ang kanyang pag-ibig. Nalalaman nating nananatili tayo sa Diyos at siya naman sa atin, sapagkat pinagkalooban niya tayo ng kanyang Espiritu. Nakita namin at pinapatotohanang isinugo ng Ama ang kanyang Anak upang iligtas ang sanlibutan. Ang nagpapahayag na si Jesus ang Anak ng Diyos ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos nama'y nananatili sa kanya. Nalalaman nating tayo'y iniibig ng Diyos at lubos tayong nananalig sa katotohanang ito. Ang Diyos ay pag-ibig. Ang nagpapatuloy sa pag-ibig ay nananatili sa Diyos, at ang Diyos ay nananatili naman sa kanya. Ang pag-ibig ay nagiging ganap sa atin kaya't panatag ang ating kalooban para sa Araw ng Paghuhukom, sapagkat tayo'y tulad ni Cristo, kahit nasa daigdig pang ito. Walang kasamang takot ang pag-ibig at pinapawi ng ganap na pag-ibig ang anumang takot. Hindi pa ganap ang pag-ibig ng sinumang natatakot, sapagkat ang takot ay kaugnay ng parusa. Tayo'y umiibig sapagkat ang Diyos ang unang umibig sa atin. Ang nagsasabing, “Iniibig ko ang Diyos,” subalit napopoot naman sa kanyang kapatid ay sinungaling. Kung ang kapatid na kanyang nakikita ay hindi niya magawang ibigin, paano niya maiibig ang Diyos na hindi niya nakikita? Ito ang utos na ibinigay sa atin ni Cristo: ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kanyang mga kapatid. Ang bawat sumasampalataya na si Jesus ang siyang Cristo ay anak ng Diyos. At ang sinumang umiibig sa ama ay umiibig din sa anak. Ito ang palatandaang iniibig natin ang mga anak ng Diyos: kung iniibig natin ang Diyos at tinutupad ang kanyang mga utos, sapagkat ang tunay na pag-ibig sa Diyos ay ang pagtupad sa kanyang mga utos. Hindi naman napakahirap sundin ang kanyang mga utos, sapagkat napapagtagumpayan ng mga anak ng Diyos ang sanlibutan; at nagtatagumpay tayo sa pamamagitan ng pananampalataya. Sino ang nagtatagumpay laban sa sanlibutan? Ang sumasampalataya na si Jesus ang Anak ng Diyos. Si Jesu-Cristo ang naparito sa pamamagitan ng tubig at ng dugo. Hindi sa pamamagitan ng tubig lamang kundi sa pamamagitan ng tubig at dugo. Ang Espiritu ang nagpapatotoo tungkol dito, sapagkat ang Espiritu ay katotohanan. Kung pinaniniwalaan natin ang patotoo ng mga tao, higit nating dapat paniwalaan ang patotoo ng Diyos, at ito ang patotoo ng Diyos tungkol sa kanyang Anak. Ang sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay nagtataglay ng patotoong ito sa kanilang puso. Ang sinumang hindi sumampalataya sa Diyos ay ginagawang sinungaling ang Diyos, sapagkat hindi siya naniwala sa patotoo ng Diyos tungkol sa kanyang Anak. At ito ang patotoo: ipinagkaloob sa atin ng Diyos ang buhay na walang hanggan at ito'y makakamtan natin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Kung ang Anak ng Diyos ay nasa isang tao, mayroon siyang buhay na walang hanggan; ngunit kung wala sa kanya ang Anak ng Diyos ay wala siyang buhay na walang hanggan. Isinusulat ko ito sa inyo upang malaman ninyo na kayong sumasampalataya sa Anak ng Diyos ay may buhay na walang hanggan. May lakas-loob tayong lumapit sa kanya dahil alam nating ibibigay niya ang anumang hingin natin kung ito'y naaayon sa kanyang kalooban. At dahil alam nating pinapakinggan nga niya tayo, alam din nating ibinibigay niya ang bawat hinihiling natin sa kanya. Kung makita ninuman na ang kanyang kapatid ay gumagawa ng kasalanang hindi hahantong sa kamatayan, ipanalangin niya ang kapatid na iyon sa Diyos na magbibigay sa taong iyon ng bagong buhay. Ito'y para sa mga kapatid na ang kasalanan ay hindi humahantong sa kamatayan. May kasalanang hahantong sa kamatayan, at hindi ko sinasabing idalangin ninyo ang sinumang gumagawa nito. Ang lahat ng gawaing di matuwid ay kasalanan, ngunit may kasalanang hindi hahantong sa kamatayan. Alam nating ang mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat iniingatan sila ng Anak ng Diyos, at hindi sila maaaring galawin ng diyablo. Alam nating tayo'y sa Diyos, kahit na ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng diyablo. At nalalaman nating naparito na ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pang-unawa upang makilala natin ang tunay na Diyos, at tayo'y nasa tunay na Diyos, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Siya ang tunay na Diyos at buhay na walang hanggan. Mga anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyosan. Mula sa Matandang pinuno ng iglesya— Para sa hinirang na Ginang at sa kanyang mga anak, na tunay kong minamahal. Hindi lamang ako kundi ang lahat ng nakakaalam ng katotohanan ay nagmamahal sa inyo, sapagkat ang katotohanan ay nasa atin ngayon at magpakailanman. Sa pamamagitan ng katotohanan at pag-ibig, ipagkakaloob sa atin ng Diyos Ama at ni Jesu-Cristo na Anak niya, ang pagpapala, habag, at kapayapaan. Labis akong nagalak nang makita ko ang ilan sa iyong mga anak na namumuhay ayon sa katotohanan, alinsunod sa utos ng Ama sa atin. At ngayon, Ginang, hinihiling ko sa iyo na magmahalan tayong lahat. Hindi ito bagong utos kundi isang dating utos na sa simula pa'y nasa atin na. At ganito ang pag-ibig na binabanggit ko: mamuhay tayo nang ayon sa mga utos ng Diyos. Ito ang utos na ibinigay sa inyo noon pang una: mamuhay kayo nang may pag-ibig. Sapagkat nagkalat sa sanlibutan ang mga mandaraya! Ayaw nilang kilalanin na si Jesu-Cristo'y dumating bilang tao. Ang ganoong tao ay mandaraya at kaaway ni Cristo. Mag-ingat nga kayo upang huwag mawalang saysay ang aming pinagpaguran, sa halip ay lubusan ninyong makamtan ang gantimpala. Ang hindi nananatili sa turo ni Cristo kundi nagdaragdag dito, ay wala sa kanya ang Diyos. Sinumang nananatili sa turo ni Cristo ay nasa kanya ang Ama at ang Anak. Sinumang dumating sa inyo na ibang turo ang dala ay huwag ninyong tanggapin sa inyong bahay, ni huwag ninyong batiin, sapagkat ang bumabati sa kanya ay nagiging kaisa niya sa masamang gawain. Marami pa sana akong sasabihin sa inyo, ngunit ayaw ko nang gumamit ng papel at tinta. Sa halip, ako'y umaasang makapunta diyan at makausap kayo nang personal upang malubos ang ating kagalakan. Kinukumusta ka ng mga anak ng iyong kapatid na babae na hinirang. Mula sa Matandang pinuno ng iglesya— Para kay Gayo na lubos kong minamahal. Mahal kong kaibigan, idinadalangin kong ikaw sana'y nasa mabuting kalagayan at malusog ang katawan, tulad ng iyong buhay espirituwal. Tuwang-tuwa ako nang dumating ang ilang kapatid at ibalitang ikaw ay tapat sa katotohanan at talagang namumuhay ayon dito. Wala nang higit na makapagpapaligaya sa akin kundi ang marinig ang balitang namumuhay ayon sa katotohanan ang aking mga anak. Mahal kong kaibigan, tapat ang iyong paglilingkod sa mga kapatid, kahit sa mga hindi mo kilala. May mga nagbalita sa iglesya rito tungkol sa iyong pag-ibig. Sana'y tulungan mo sila sa kanilang paglalakbay, gaya ng nararapat gawin sa mga lingkod ng Diyos, sapagkat naglalakbay sila sa pangalan ni Cristo at hindi tumatanggap ng anumang tulong mula sa mga hindi sumasampalataya sa Diyos. Dapat natin silang tulungan upang tayo'y makabahagi sa kanilang gawain para sa katotohanan. Sumulat ako sa iglesya subalit hindi kami kinilala ni Diotrefes; ang hangad niya'y siya ang kilalaning pinuno. Kaya't pagpunta ko diyan, uungkatin ko ang lahat ng ginawa niya at ang mga kasinungalingang sinabi niya laban sa amin. At hindi pa siya nasiyahan doon; ayaw niyang tanggapin ang mga kapatid na dumarating at hinahadlangan pa niya at pinapalayas sa iglesya ang mga nais tumanggap sa mga iyon. Minamahal, huwag mong tularan ang masama. Sa halip, tularan mo ang mabuti, sapagkat ang gumagawa ng mabuti ay sa Diyos; ang gumagawa ng masama ay hindi pa nakakita sa Diyos. Mabuti ang sinasabi ng lahat tungkol kay Demetrio, at iyan din ang patotoo ng katotohanan tungkol sa kanya. Iyan din ang aming patotoo, at alam mong totoo ang sinasabi namin. Marami pa sana akong sasabihin sa iyo, ngunit ayaw ko nang gumamit ng panulat at tinta. Inaasahan kong magkikita tayo at makakapag-usap sa lalong madaling panahon. Sumaiyo nawa ang kapayapaan. Kinukumusta ka ng ating mga kaibigan dito. Isa-isa mong batiin ang lahat ng ating mga kaibigan diyan. Mula kay Judas, lingkod ni Jesu-Cristo at kapatid ni Santiago— Para sa mga tinawag ng Diyos, mga namumuhay sa pag-ibig ng Diyos Ama at iniingatan ni Jesu-Cristo. Sumagana nawa sa inyo ang habag, kapayapaan at pag-ibig. Mga minamahal, ang nais ko sanang isulat sa inyo'y ang tungkol sa kaligtasang tinatamasa nating lahat, ngunit nakita kong ang kailangang isulat sa inyo'y isang panawagan na inyong ipaglaban ang pananampalatayang ipinagkaloob minsan at magpakailanman sa mga banal, sapagkat lihim na nakapasok sa inyong samahan ang ilang taong ayaw kumilala sa Diyos. Binabaluktot nila ang aral tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos upang mabigyang katuwiran ang kanilang kahalayan. Ayaw nilang kilalanin si Jesu-Cristo, ang ating kaisa-isang Pinuno at Panginoon. Noon pa mang una, sinabi na ng kasulatan ang parusang nakalaan sa kanila. Kahit na alam na ninyo ang lahat ng ito, nais ko pa ring ipaalala sa inyo na matapos iligtas ng Panginoon ang bansang Israel sa lupain ng Egipto, pinuksa niya ang mga taong hindi nanalig sa kanya. Alalahanin din ninyo ang mga anghel na hindi nanatili sa kanilang dating kalagayan at kapangyarihan, sa halip ay iniwan ang kanilang tahanan. Kaya't sila'y ginapos ng Diyos ng di mapapatid na tanikala at ibinilanggo sa malalim na kadiliman, hanggang sa sila'y hatulan sa dakilang Araw ng Paghuhukom. Alalahanin din ninyo na ang Sodoma at Gomorra at mga karatig-lungsod ay nalulong sa kahalayan at di-likas na pagnanasa ng laman, kaya't sila'y pinarusahan sa apoy na hindi namamatay bilang babala sa lahat. Ganyan din ang mga taong ito, dahil sa kanilang mga pangitain ay dinudungisan nila ang kanilang sariling katawan, hinahamak nila ang maykapangyarihan at nilalait ang mariringal na anghel. Kahit si Miguel na pinuno ng mga anghel, nang makipagtalo siya sa diyablo tungkol sa bangkay ni Moises, ay hindi nangahas gumamit ng paglapastangan. Ang tanging sinabi niya ay, “Parusahan ka nawa ng Panginoon!” Ngunit nilalapastangan ng mga taong ito ang anumang hindi nila nauunawaan. Sila ay tulad ng mga hayop na ang sinusunod lamang ay ang kanilang damdamin, na siya namang magpapahamak sa kanila. Kakila-kilabot ang sasapitin nila sapagkat sumunod sila sa halimbawa ni Cain. Tulad ni Balaam, hindi sila nag-atubiling gumawa ng kamalian dahil lamang sa salapi. Naghimagsik silang tulad ni Korah, kaya't sila'y namatay ding katulad niya. Napakalaking kahihiyan at kasiraang-puri ang sila'y makasama ninyo sa mga salu-salong pangmagkakapatid. Wala silang iniintindi kundi ang kanilang sarili. Para silang mga ulap na tinatangay ng hangin ngunit hindi nagdadala ng ulan; mga punongkahoy na binunot na pati ugat at talagang patay na dahil hindi namumunga kahit sa kapanahunan. Sila'y mga alon sa dagat na ang bula ay ang kanilang mga gawang kahiya-hiya; mga ligaw na bituin na nakalaan sa kadiliman magpakailanman. Tungkol din sa kanila ang pahayag ni Enoc, na kabilang sa ikapitong salinlahi mula kay Adan. Sinabi niya, “Tingnan ninyo! Dumarating ang Panginoon kasama ang kanyang libu-libong mga banal na anghel upang hatulan ang lahat. Paparusahan niya ang lahat ng ayaw kumilala sa Diyos dahil sa kanilang mga kasamaan at paglapastangan sa Diyos!” Ang mga taong ito'y walang kasiyahan, mapamintas, sumusunod sa kanilang mga pagnanasa, mayayabang, at sanay mambola para makuha ang gusto nila. Mga minamahal, alalahanin ninyo ang sinabi ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Noon pa'y sinabi na nila sa inyo, “Sa huling panahon, may lilitaw na mga taong mapanlait at sumusunod sa masasamang pagnanasa ng laman.” Ito ang mga taong lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, mga makamundo at wala sa kanila ang Espiritu. Ngunit magpakatatag kayo, mga minamahal, sa inyong kabanal-banalang pananampalataya. Manalangin kayo sa tulong ng Espiritu Santo. Manatili kayo sa pag-ibig ng Diyos habang naghihintay kayo sa ating Panginoong Jesu-Cristo na magkakaloob sa inyo ng buhay na walang hanggan dahil sa kanyang habag sa atin. Kaawaan ninyo ang mga nag-aalinlangan. Agawin ninyo ang iba upang mailigtas sa apoy. Ang iba nama'y kaawaan ninyo nang may halong takot; kasuklaman ninyo pati ang mga damit nilang nabahiran ng kahalayan. Sa kanya na makapag-iingat sa inyo upang hindi kayo magkasala, at makakapagharap sa inyo nang walang kapintasan at may malaking kagalakan sa kanyang kaluwalhatian, sa iisang Diyos na ating Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo na Panginoon natin, sa kanya ang kaluwalhatian, kadakilaan, kapamahalaan at kapangyarihan, mula pa noong una, ngayon at magpakailanman! Amen. Ito ang pahayag ni Jesu-Cristo na ibinigay ng Diyos sa kanya at kanyang inihayag kay Juan na alipin niya, sa pamamagitan ng anghel na kanyang isinugo. Ang layunin ng paghahayag na ito'y ipakita sa mga alipin ng Diyos ang mga bagay na malapit nang maganap. Pinatotohanan ni Juan ang lahat ng kanyang nakita. Ito ang kanyang patotoo tungkol sa mensahe ng Diyos at sa katotohanang ipinahayag ni Jesu-Cristo. Pinagpala ang bumabasa ng aklat na ito, ang mga nakikinig sa propesiya nito, at tumutupad sa nasusulat dito! Sapagkat malapit na itong maganap. Mula kay Juan, para sa pitong iglesya sa lalawigan ng Asia. Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaang mula sa Diyos na siyang nakaraan, kasalukuyan, at darating, mula sa pitong espiritung nasa harap ng kanyang trono, at mula kay Jesu-Cristo, ang tapat na saksi, ang panganay sa mga binuhay mula sa kamatayan, at ang pinuno ng mga hari sa lupa. Iniibig niya tayo, at sa pamamagitan ng kanyang dugo ay pinalaya niya tayo sa ating mga kasalanan. Ginawa niya tayong isang kaharian ng mga pari upang maglingkod sa kanyang Diyos at Ama. Kay Jesu-Cristo ang kaluwalhatian at kapangyarihan magpakailanman! Amen. Tingnan ninyo, dumarating siyang nasa mga alapaap at makikita siya ng lahat, pati ng mga tumusok sa kanya; tatangis ang lahat ng lipi sa lupa dahil sa kanya. Magkagayon nawa. Amen. “Ako ang Alpha at ang Omega,” sabi ng Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ang kasalukuyan, nakaraan, at darating. Ako'y si Juan, ang inyong kapatid at kasama sa kapighatian at pagtitiis na nararanasan ng mga kabilang sa kanyang kaharian dahil sa pakikipag-isa kay Jesus. Noon ako'y nasa isla ng Patmos sapagkat ipinangaral ko ang salita ng Diyos at nagpatotoo ako para kay Jesus. Noon ay araw ng Panginoon, at habang nasa ilalim ako ng kapangyarihan ng Espiritu, narinig ko mula sa aking likuran ang isang malakas na tinig na parang tunog ng trumpeta. Sabi niya, “Isulat mo sa isang aklat ang iyong nakita, at ipadala mo ito sa pitong iglesya: sa Efeso, Esmirna, Pergamo, Tiatira, Sardis, Filadelfia at Laodicea.” Lumingon ako upang tingnan ang nagsasalita, at nakakita ako ng pitong ilawang ginto. Nakatayo sa gitna ng mga ilawan ang isang parang anak ng tao na nakasuot ng mahabang damit, at may gintong pamigkis sa kanyang dibdib. Ang kanyang ulo at buhok ay kasimputi ng balahibo ng tupa o ng niyebe, at ang kanyang mga mata'y parang apoy na nagliliyab. Kumikinang ang kanyang mga paa na parang tansong pinakintab, at parang rumaragasang tubig ang kanyang tinig. May hawak siyang pitong bituin sa kanang kamay, at lumabas sa kanyang bibig ang isang matalas na tabak na sa magkabila'y may talim. Ang kanyang mukha ay nakakasilaw tulad ng araw sa katanghaliang-tapat. Pagkakita ko sa kanya, para akong patay na bumagsak sa kanyang paanan, ngunit ipinatong niya sa akin ang kanyang kanang kamay at sinabi, “Huwag kang matakot! Ako ang simula at ang wakas, at ang nabubuhay! Namatay ako ngunit tingnan mo, ako'y buháy ngayon at mananatiling buháy magpakailanman. Hawak ko ang mga susi ng kamatayan at ng daigdig ng mga patay. Kaya't isulat mo ang iyong nakikita, ang nangyayari ngayon at ang mangyayari pa pagkatapos nito. Tungkol naman sa hiwaga ng pitong bituing hawak ko sa aking kanang kamay at sa pitong ilawang ginto: ang pitong bituin ay ang mga anghel ng pitong iglesya at ang pitong ilawang ginto ay ang pitong iglesya. “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Efeso: “Ito ang sinasabi ng may hawak ng pitong bituin sa kanyang kanang kamay at lumalakad sa gitna ng pitong ilawang ginto. Alam ko ang mga ginagawa mo, ang iyong mga pagpapagal at matiyagang pagtitiis. Alam kong hindi mo kinukunsinti ang masasamang tao. Sinubok mo ang mga nagsasabing sila'y apostol, at napatunayan mong sila'y huwad. Alam ko ring matiyaga ka, nagtiis ng maraming hirap alang-alang sa akin at hindi ka sumuko. Subalit may isang bagay na ayaw ko sa iyo: iniwan mo na ang pag-ibig mo noong una. Alalahanin mo ang dati mong kalagayan; pagsisihan mo at talikuran ang iyong masasamang gawa, at gawin mong muli ang mga ginagawa mo noong una. Kapag hindi ka nagsisi, pupunta ako diyan at aalisin ko sa kinalalagyan ang iyong ilawan. Ngunit ito naman ang napupuri ko sa iyo; kinapopootan mo ring tulad ko ang mga ginagawa ng mga Nicolaita. “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya! “Sa magtatagumpay ay ibibigay ko ang karapatang kumain ng bunga ng punongkahoy ng buhay na nasa Paraiso ng Diyos.” “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Esmirna: “Ito ang sinasabi sa iyo ng simula at wakas, ang namatay at muling nabuhay. Alam ko ang mga kapighatian na dinaranas mo. Alam kong mahirap ka, ngunit ang totoo'y mayaman ka. Nalalaman ko rin ang mga paninirang-puri sa iyo ng mga nagpapanggap na mga Judio; ngunit ang totoo, sila'y mga kampon ni Satanas. Huwag kang matakot sa mga pag-uusig na malapit mo nang danasin. Makinig ka! Ipabibilanggo ng diyablo ang ilan sa inyo bilang pagsubok; magdurusa kayo sa loob ng sampung araw. Manatili kang tapat hanggang kamatayan, at gagantimpalaan kita ng korona ng buhay. “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya! “Ang magtatagumpay ay hindi masasaktan ng pangalawang kamatayan.” “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Pergamo: “Ito ang sinasabi ng may hawak ng matalas na tabak na sa magkabila'y may talim. Alam ko kung saan ka nakatira, sa kinaroroonan ng trono ni Satanas. Gayunma'y nananatili kang tapat sa akin. Hindi mo tinalikuran ang iyong pananampalataya sa akin kahit noong si Antipas na tapat kong lingkod ay patayin diyan sa kalagitnaan ninyo sa lugar na tinitirhan ni Satanas. Subalit may ilang bagay na ayaw ko sa iyo: may ilan sa inyo na sumusunod sa katuruan ni Balaam na nagturo kay Balac upang mahikayat ang mga Israelita na magkasala. Kaya't kumain sila ng mga pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan at nakiapid. May ilan din sa inyong sumusunod sa katuruan ng mga Nicolaita. Kaya magsisi na kayo't talikuran ang inyong mga kasalanan! Kung hindi, pupunta ako diyan sa lalong madaling panahon at pupuksain ko ang mga taong iyon sa pamamagitan ng tabak na lumalabas sa aking bibig. “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya! “Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng nakatagong pagkain. Bibigyan ko rin siya ng batong puti na kinasusulatan ng isang bagong pangalan, na walang sinumang nakakaalam maliban sa tatanggap niyon.” “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Tiatira: “Ito ang sinasabi ng Anak ng Diyos na may mga matang parang apoy na nagliliyab at mga paang kumikinang na parang tansong pinakintab. Alam ko ang mga ginagawa mo: ang iyong pag-ibig, katapatan, paglilingkod at pagtitiyaga. Nalalaman kong ang mga ginagawa mo ngayon ay higit kaysa noong una. Ngunit ito ang ayaw ko sa iyo: pinapayagan mo si Jezebel, ang babaing nagpapanggap na propeta, na turuan at linlangin ang aking mga lingkod upang makiapid at kumain ng pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan. Binigyan ko siya ng sapat na panahon upang pagsisihan at talikuran ang kanyang pakikiapid, ngunit ayaw niya. Kaya nga bibigyan ko siya ng malubhang sakit, pati ang mga kasama niya sa pangangalunya. Daranas sila ng matinding kapighatian kung hindi nila pagsisisihan at tatalikuran ang kahalayang ginawa nila sa piling ng babaing iyan. Papatayin ko ang kanyang mga anak upang malaman ng mga iglesya na sinisiyasat ko ang puso't isip ng mga tao at gagantihan ko ang bawat isa sa inyo ayon sa inyong mga gawa. “Ngunit para sa ibang mga taga-Tiatira, na hindi sumusunod sa katuruan ni Jezebel at hindi natuto ng tinatawag na ‘malalalim na lihim ni Satanas,’ ito ang sinasabi ko sa inyo: hindi ko kayo bibigyan ng ibang pasanin, ngunit panghawakan ninyo kung anong mayroon kayo hanggang ako'y dumating. Sa magtatagumpay at tutupad ng ipinapagawa ko hanggang wakas, ibibigay ko sa kanya ang pamamahala sa mga bansa. Mamamahala siya sa pamamagitan ng tungkod na bakal at dudurugin niya ang mga bansa na parang mga palayok. Ibinibigay ko ito kung paanong ibinigay ito sa akin ng Ama. Ibibigay ko rin sa mga magtatagumpay ang bituin sa umaga. “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!” “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Sardis: “Ito ang sinasabi ng nagtataglay ng pitong espiritu ng Diyos at ng pitong bituin. Alam ko ang ginagawa mo; ang alam ng marami, ikaw ay buháy, ngunit ang totoo, ikaw ay patay. Kaya't gumising ka! Palakasin mo ang nalalabi pa sa iyo upang hindi ito tuluyang mamatay. Sapagkat nakita kong hindi ganap sa paningin ng aking Diyos ang mga nagawa mo. Kaya nga, alalahanin mo ang mga bagay na iyong tinanggap at narinig. Isagawa mo ang mga iyon; pagsisihan mo't talikuran ang iyong kasamaan. Kung hindi ka gigising, pupunta ako diyan na gaya ng isang magnanakaw, at hindi mo malalaman ang oras ng aking pagdating. “Ngunit may ilan sa inyo diyan sa Sardis na napanatiling walang dungis ang kanilang damit, kaya't kasama ko silang maglalakad na nakasuot ng puting damit sapagkat sila'y karapat-dapat. Ang magtatagumpay ay dadamitan ng puti, at hindi ko kailanman buburahin sa aklat ng buhay ang kanyang pangalan. Kikilalanin ko siya sa harap ng aking Ama at ng kanyang mga anghel. “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!” “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Filadelfia: “Ito ang sinasabi ng banal at mapagkakatiwalaan, ang may hawak ng susi ni David. Walang makakapagsara ng anumang binubuksan niya, at walang makakapagbukas ng anumang sinasarhan niya. Alam ko ang mga ginagawa mo. Alam kong kaunti lamang ang iyong kakayahan ngunit sinunod mo ang aking salita, at naging tapat ka sa akin. Kaya't binuksan ko para sa iyo ang isang pinto na hindi maisasara ninuman. Tingnan mo! Palalapitin ko sa iyo at paluluhurin ang mga kampon ni Satanas na nagpapanggap na mga Judio ngunit hindi naman, at sa halip ay nagsisinungaling. Malalaman nilang minamahal kita. Sapagkat tinupad mo ang aking utos na magtiis, iingatan naman kita sa panahon ng pagsubok na darating sa lahat ng tao sa buong daigdig! Darating ako sa lalong madaling panahon. Kaya't ingatan mo kung ano ang nasa iyo upang hindi maagaw ninuman ang iyong gantimpala. Ang magtatagumpay ay gagawin kong isang haligi sa templo ng aking Diyos, at hinding-hindi na siya lalabas doon. Isusulat ko sa kanya ang pangalan ng aking Diyos, at ang pangalan ng kanyang lungsod. Ito ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit buhat sa aking Diyos. Isusulat ko rin sa kanya ang aking bagong pangalan. “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!” “Isulat mo sa anghel ng iglesya sa Laodicea: “Ito ang sinasabi niya na ang pangalan ay Amen, ang tapat at tunay na saksi, at siyang pinagmulan ng lahat ng nilalang ng Diyos. Alam ko ang mga ginagawa mo. Alam kong hindi ka malamig ni mainit. Mabuti pa sana kung ikaw ay malamig o mainit. Ngunit dahil ikaw ay maligamgam, hindi mainit ni malamig, isusuka kita! Sinasabi mong ikaw ay mayaman, sagana sa lahat ng bagay at wala nang kailangan pa, ngunit hindi mo nalalamang ikaw ay kawawa, kahabag-habag, dukha, bulag at hubad. Kaya nga, ipinapayo kong bumili ka sa akin ng purong ginto upang ikaw ay maging tunay na mayaman. Bumili ka rin sa akin ng puting damit upang iyong isuot at matakpan ang nakakahiya mong kahubaran. Bumili ka rin sa akin ng gamot na ipapahid sa iyong mata upang ikaw ay makakita. Sinasaway ko't pinapalo ang lahat ng aking minamahal. Kaya't maging masigasig ka! Pagsisihan mo't talikuran ang iyong mga kasalanan. Tingnan mo! Nakatayo ako at kumakatok sa pintuan. Kung diringgin ninuman ang aking tinig at bubuksan ang pinto, papasok ako at kakain akong kasalo niya. Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng karapatang umupo na katabi ko sa aking trono, tulad ko na nagtagumpay at nakaupo ngayon katabi ng aking Ama sa kanyang trono. “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!” Pagkatapos kong masaksihan ang mga bagay na ito, nakita ko sa langit ang isang bukás na pinto. At narinig ko ang tinig na parang tunog ng isang trumpeta, na ang sabi sa akin, “Umakyat ka rito, at ipapakita ko sa iyo kung ano pang mga mangyayari pagkatapos nito.” At agad akong napuspos ng Espiritu, at nakita ko sa langit ang isang trono at ang isang nakaupo roon. Ang anyo niya'y maningning na parang mahahalagang batong jasper at kornalina. May isang bahagharing nagniningning na parang esmeralda sa palibot ng trono. Nakapaligid naman dito ang dalawampu't apat pang trono na sa bawat isa'y may nakaupong matanda na nakadamit ng puti at may koronang ginto sa ulo. Mula sa trono ay gumuguhit ang kidlat, kasabay ng mga ugong at mga kulog. Sa harap ng trono ay may pitong nagniningas na sulo; ito ang pitong espiritu ng Diyos. Sa harap ng trono ay may tila dagat na salamin na sinlinaw ng kristal. Sa apat na panig ng trono ay may apat na buháy na nilalang, na punung-puno ng mga mata sa kanilang harap at likod. Ang unang buháy na nilalang ay katulad ng leon; katulad naman ng baka ang pangalawa; tulad sa mukha ng tao ang pangatlo; at katulad naman ng agilang lumilipad ang pang-apat. Ang bawat isa ay may tig-aanim na pakpak, at punung-puno ng mga mata sa harap at likod. Walang tigil ang kanilang pag-awit araw at gabi, “Banal, banal, banal, ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, na siyang nakaraan, kasalukuyan, at darating.” Tuwing umaawit ng pagluwalhati, parangal at pasasalamat ang apat na buháy na nilalang sa nakaupo sa trono, na nabubuhay magpakailanman, ang dalawampu't apat (24) na matatandang pinuno naman ay nagpapatirapa sa harap ng trono at sinasamba ang nakaupo doon, ang nabubuhay magpakailanman. Inilalagay nila ang kanilang korona sa harap ng trono, at sinasabi, “Aming Panginoon at Diyos! Karapat-dapat kang tumanggap ng kaluwalhatian, karangalan, at kapangyarihan; sapagkat ikaw ang lumalang sa lahat ng bagay, at ayon sa iyong kagustuhan, sila'y nagkaroon ng buhay at nalikha.” Nakita ko sa kanang kamay ng nakaupo sa trono ang isang kasulatang nakabalumbon, na may sulat sa loob at labas at sinarhan ng pitong selyo. At nakita ko rin ang isang makapangyarihang anghel na nagtanong nang malakas, “Sino ang karapat-dapat na mag-alis sa mga selyo at magbukas sa balumbon?” Ngunit wala ni isa man, maging sa langit, maging sa lupa o sa ilalim ng lupa, na makapagbukas o makatingin sa nilalaman niyon. Buong kapaitan akong umiyak dahil walang natagpuang karapat-dapat na magbukas at tumingin sa nilalaman niyon. Ngunit sinabi sa akin ng isa sa matatandang pinuno, “Huwag kang umiyak. Tingnan mo! Ang Leon mula sa lipi ni Juda, ang anak ni David ay nagtagumpay at may karapatang mag-alis sa pitong selyo at magbukas sa kasulatang nakabalumbon.” Pagkatapos, nakita ko sa pagitan ng matatandang pinuno at ng tronong napapaligiran ng apat na buháy na nilalang ang isang Korderong nakatayo na ang anyo ay tulad sa pinatay na. Ito'y may pitong sungay at pitong mata na siyang pitong espiritu ng Diyos na ipinadala sa buong daigdig. Lumapit ang Kordero at kinuha ang kasulatang nakabalumbon sa kanang kamay ng nakaupo sa trono. Nang ito'y kunin niya, nagpatirapa sa harapan ng Kordero ang apat na buháy na nilalang at ang dalawampu't apat (24) na matatandang pinuno. Bawat isa'y may hawak na alpa at may gintong mangkok na punô ng insenso na siyang mga panalangin ng mga hinirang ng Diyos. Inaawit nila ang isang bagong awit: “Ikaw ang karapat-dapat na kumuha sa kasulatang nakabalumbon at magtanggal sa mga selyo niyon. Sapagkat pinatay ka, at sa pamamagitan ng iyong dugo ay tinubos mo ang mga tao para sa Diyos, mula sa bawat lahi, wika, bayan at bansa. Ginawa mo silang isang lahing maharlika at mga pari na itinalaga upang maglingkod sa ating Diyos; at sila'y maghahari sa lupa.” Tumingin akong muli at narinig ko ang tinig ng milyun-milyon at libu-libong anghel. Sila'y nakapaligid sa trono, sa apat na buháy na nilalang at sa matatandang pinuno. Umaawit sila nang malakas, “Ang Korderong pinatay ay karapat-dapat tumanggap ng kapangyarihan, kayamanan, karunungan, kalakasan, kaluwalhatian, papuri at paggalang!” At narinig kong umaawit ang bawat nilikhang nasa langit, nasa lupa, nasa ilalim ng lupa at nasa dagat, lahat ng mga naroroon, “Sa nakaupo sa trono, at sa Kordero, ang papuri at karangalan, kaluwalhatian at kapangyarihan, magpakailanman!” At sumagot ang apat na nilalang na buháy, “Amen!” At nagpatirapa ang matatandang pinuno at nagsisamba. Nakita kong inalis ng Kordero ang una sa pitong selyo, at narinig kong sinabi ng isa sa apat na buháy na nilalang, sa tinig na sinlakas ng kulog, “Halika!” At nakita ko ang isang kabayong puti na ang nakasakay ay may hawak na pana. Binigyan siya ng korona at siya'y umalis upang patuloy na manakop. Nang alisin ng Kordero ang pangalawang selyo, narinig kong sinabi ng pangalawang buháy na nilalang, “Halika!” Isa namang kabayong pula ang lumitaw na ang nakasakay ay binigyan ng kapangyarihang magpasimula ng digmaan sa lupa upang magpatayan ang mga tao. Binigyan siya ng isang malaking tabak. Nang alisin ng Kordero ang pangatlong selyo, narinig kong sinabi ng pangatlong buháy na nilalang, “Halika!” Isang kabayong itim ang nakita ko at may hawak na timbangan ang nakasakay dito. May narinig akong parang isang tinig na nagmumula sa kinaroroonan ng apat na buháy na nilalang, na nagsabi, “Isang takal na trigo lamang ang mabibili ng sahod sa maghapong trabaho at tatlong takal na harina lamang ang mabibili sa ganoon ding halaga. Ngunit huwag mong pinsalain ang langis ng olibo at ang alak!” Nang alisin ng Kordero ang pang-apat na selyo, narinig kong sinabi ng pang-apat na buháy na nilalang, “Halika!” Isang kabayong maputla ang nakita ko at ang pangalan ng nakasakay dito ay Kamatayan. Nakasunod sa kanya ang Daigdig ng mga Patay. Ibinigay sa mga ito ang kapangyarihan sa ikaapat na bahagi ng lupa upang pumatay sa pamamagitan ng digmaan, taggutom, salot, at mababangis na hayop sa lupa. Nang alisin ng Kordero ang panlimang selyo, nakita ko sa ilalim ng dambana ang mga kaluluwa ng mga pinatay dahil sa salita ng Diyos at dahil sa pagpapatotoo nila rito. Sumigaw sila nang malakas, “O Panginoong Makapangyarihan, banal at tapat! Gaano pa katagal bago ninyo hatulan at parusahan ang mga tao sa daigdig na pumatay sa amin?” Binigyan ng puting kasuotan ang bawat isa sa kanila, at sinabi sa kanilang magpahinga nang kaunti pang panahon, hanggang sa mabuo ang bilang ng kanilang mga kapatid at kapwa mga lingkod, na papatayin ding tulad nila. Nang alisin ng Kordero ang pang-anim na selyo, lumindol nang malakas, ang araw ay nagdilim na kasing itim ng damit panluksa at ang buwan ay naging kasimpula ng dugo. Nalaglag mula sa langit ang mga bituin na parang mga bubot na bunga ng igos kapag hinahampas ng malakas na hangin. Naglaho ang langit na parang kasulatang inirolyo, at nawala sa kanilang dating kinalalagyan ang mga bundok at mga isla. Nagtago sa mga yungib na bato ang mga hari sa lupa, ang mga gobernador, ang mga pinuno ng hukbo, ang mayayaman, ang makapangyarihan, at lahat ng tao, alipin man o malaya. At sinabi nila sa mga bundok at sa mga bato, “Tabunan ninyo kami at ikubli ninyo kami sa mukha ng nakaupo sa trono, at sa poot ng Kordero! Sapagkat dumating na ang kakila-kilabot na araw ng pagbubuhos ng kanilang poot, at sino ang makakatagal sa harap nito?” Pagkatapos nito, may nakita akong apat na anghel na nakatayo sa apat na sulok ng daigdig. Pinipigil nila ang apat na hangin upang huwag umihip sa lupa, sa dagat o sa alinmang punongkahoy. At nakita kong umaakyat sa gawing silangan ang isa pang anghel, taglay ang pantatak ng Diyos na buháy. Sumigaw siya sa apat na anghel na binigyan ng kapangyarihang maminsala sa lupa at sa dagat, “Huwag muna ninyong pinsalain ang lupa, ang dagat o ang mga punongkahoy hangga't hindi pa namin nalalagyan ng tatak sa noo ang mga lingkod ng ating Diyos.” At narinig ko ang bilang ng mga tinatakan, isandaan at apatnapu't apat na libo (144,000) buhat sa labindalawang (12) lipi ng Israel. Pagkatapos nito'y nakita ko ang napakaraming tao na di kayang bilangin ninuman! Sila'y mula sa bawat bansa, lipi, bayan, at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng Kordero, nakadamit ng puti at may hawak na mga palaspas. Isinisigaw nila, “Ang kaligtasan ay nagmumula sa ating Diyos na nakaluklok sa trono, at sa Kordero!” Tumayo ang lahat ng anghel sa palibot ng trono, ng matatandang pinuno, at ng apat na nilalang na buháy. Sila'y nagpatirapa sa harap ng trono at sumamba sa Diyos na nagsasabi, “Amen! Sa ating Diyos ang papuri, kaluwalhatian, karunungan, pasasalamat, karangalan, kapangyarihan, at kalakasan magpakailanman! Amen.” Tinanong ako ng isa sa matatandang pinuno, “Sino ang mga taong nakadamit ng puti, at saan sila nanggaling?” “Ginoo, kayo po ang nakakaalam,” ang sagot ko. At sinabi niya sa akin, “Sila ang mga nanggaling sa matinding kapighatian. Nilinis nila at pinaputi ang kanilang damit sa dugo ng Kordero. Iyan ang dahilan kung bakit sila ay nasa harap ng trono ng Diyos at naglilingkod sa kanya sa templo araw at gabi. At ang nakaupo sa trono ang siyang kukupkop sa kanila. Hindi na sila magugutom ni mauuhaw man; hindi na rin sila mabibilad sa araw ni mapapaso ng anumang matinding init, sapagkat ang Korderong nasa gitna ng trono ang magiging pastol nila. Siya ang gagabay sa kanila sa mga bukal ng tubig na nagbibigay-buhay, at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.” Nang alisin ng Kordero ang ikapitong selyo, nagkaroon ng katahimikan sa langit sa loob ng halos kalahating oras. Pagkatapos nito'y nakita ko ang pitong anghel na nakatayo sa harapan ng Diyos at binigyan ng trumpeta ang bawat isa sa kanila. Dumating ang isa pang anghel na may dalang gintong sunugan ng insenso at tumayo sa harap ng dambana. Binigyan siya ng maraming insenso upang ihandog sa dambanang ginto na nasa harap ng trono, kasabay ng mga panalangin ng mga hinirang ng Diyos. Mula sa kamay ng anghel ay tumaas sa harapan ng Diyos ang usok ng insenso kasabay ng mga panalangin ng mga hinirang ng Diyos. Pagkatapos, kinuha ng anghel ang sunugan ng insenso, pinuno ito ng apoy mula sa dambana, at inihagis sa lupa. Biglang kumulog, dumagundong, kumidlat at lumindol. At humanda ang pitong anghel na may pitong trumpeta upang hipan ang mga ito. Hinipan ng unang anghel ang kanyang trumpeta at umulan ng batong yelo at apoy na may halong dugo. Nasunog ang ikatlong bahagi ng lupa, ang ikatlong bahagi ng mga punongkahoy at lahat ng sariwang damo. Hinipan ng ikalawang anghel ang kanyang trumpeta at bumagsak sa dagat ang isang parang malaking bundok na nasusunog. Naging dugo ang ikatlong bahagi ng dagat, namatay ang ikatlong bahagi ng mga nilalang na naroon at nawasak ang ikatlong bahagi ng mga sasakyang-dagat. Hinipan ng ikatlong anghel ang kanyang trumpeta at nahulog mula sa langit ang isang malaking bituing nagliliyab na parang sulo, at bumagsak sa ikatlong bahagi ng mga ilog at mga bukal. Ang bituin ay tinatawag na Kapaitan. Pumait ang ikatlong bahagi ng tubig, at maraming tao ang namatay pagkainom nito. Hinipan ng ikaapat na anghel ang kanyang trumpeta at napinsala ang ikatlong bahagi ng araw, ang ikatlong bahagi ng buwan, at ang ikatlong bahagi ng mga bituin, kaya't nawala ang ikatlong bahagi ng kanilang liwanag. Nagdilim ang ikatlong bahagi ng maghapon, at walang tumanglaw sa ikatlong bahagi ng magdamag. Pagkatapos ay nakita ko ang isang agilang lumilipad sa kalawakan, at narinig ko itong sumisigaw, “Kalagim-lagim! Kalagim-lagim! Talagang kalagim-lagim ang sasapitin ng lahat ng nasa lupa pagtunog ng mga trumpetang hihipan ng tatlo pang anghel!” Hinipan ng ikalimang anghel ang kanyang trumpeta at nakita kong nahulog sa lupa ang isang bituin; ibinigay rito ang susi sa bukana ng napakalalim na hukay. Binuksan ng bituin ang napakalalim na hukay at may lumabas na makapal na usok, tulad ng usok ng malaking hurno, kaya't nagdilim ang araw at ang himpapawid. Mula sa usok ay may naglabasang mga balang na kumalat sa lupa. Binigyan sila ng kapangyarihang tulad ng sa mga alakdan. Ipinagbilin sa kanila na huwag sirain ang mga damo, punongkahoy o anumang halaman. Ang mga tao lamang na walang tatak ng Diyos sa noo ang maaari nilang saktan. Hindi pinahintulutan ang mga balang na patayin ang mga taong ito, kundi pahirapan lamang sa loob ng limang buwan. Parang kagat ng alakdan ang kirot na dulot ng mga balang na ito. Sa loob ng panahong iyon, hahanapin ng mga tao ang kamatayan ngunit hindi ito matatagpuan. Nanaisin nila ang kamatayan ngunit lalayuan sila nito. Ang anyo ng mga balang ay tulad sa mga kabayong handa na sa pakikipagdigma. Sa kanilang ulo ay may parang koronang ginto, at parang mukha ng tao ang kanilang mukha. Parang buhok ng babae ang kanilang buhok at parang ngipin ng leon ang kanilang mga ngipin. Natatakpan ng parang mga baluting bakal ang kanilang dibdib at ang pagaspas ng kanilang pakpak ay parang dagundong ng maraming karwaheng hila ng mga kabayong lulusob sa labanan. Sila ay may mga buntot na may tulis gaya ng sa alakdan. Nasa buntot nila ang kapangyarihang manakit ng mga tao sa loob ng limang buwan. Ang pinuno nila'y ang anghel na bantay sa napakalalim na hukay. Ang kanyang pangalan sa wikang Hebreo ay Abadon, at sa wikang Griego'y Apolion. Nakaraan na ang unang lagim; dalawa pang lagim ang darating. Hinipan ng ikaanim na anghel ang kanyang trumpeta at nakarinig ako ng tinig mula sa mga sulok ng gintong dambana na nasa harapan ng Diyos. Iniutos nito sa ikaanim na anghel na may trumpeta, “Kalagan mo ang apat na anghel na nakagapos sa tabi ng malaking Ilog Eufrates.” At pinalaya ang apat na anghel upang patayin nila ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan; talagang inihanda sila para sa oras, araw, buwan at taóng ito. Narinig ko na ang bilang ng hukbong nakakabayo ay dalawandaang milyon (200,000,000). Sa aking pangitain ay nakita ko ang mga kabayo, at ang mga dibdib ng mga sakay nito ay may mapulang baluti na gaya ng apoy, asul na gaya ng safiro, at dilaw na parang asupre. Ang mga ulo ng mga kabayo ay parang ulo ng leon, at ang kanilang bibig ay bumubuga ng apoy, usok at asupre. Ang ikatlong bahagi ng sangkatauhan ay pinatay ng tatlong salot na ito: ang apoy, usok at asupre na nagmula sa bibig ng mga kabayo. Sapagkat ang kapangyarihan ng mga kabayo'y nasa kanilang mga bibig at mga buntot. Ang kanilang mga buntot ay parang ahas na may ulo, na siyang ginagamit nila sa pananakit ng tao. Ang natira sa sangkatauhan na hindi namatay sa mga salot na ito ay hindi nagsisi. Hindi sila tumalikod ni tumigil man sa pagsamba sa mga demonyo at sa mga diyus-diyosang ginawa ng kanilang kamay, mga larawang ginto, pilak, tanso, bato at kahoy, na di nakakakita, nakakarinig o nakakalakad man. Ni hindi rin nila pinagsisihan ang kanilang mga pagpatay, pangkukulam, pakikiapid at pagnanakaw. Pagkaraan nito, nakita ko ang isa pang makapangyarihang anghel na bumababa mula sa langit. Siya'y nababalot ng ulap at may bahaghari sa kanyang ulunan. Nagniningning na parang araw ang kanyang mukha, at parang mga haliging apoy ang kanyang mga binti. May hawak siyang isang maliit na aklat na nakabukas. Itinuntong niya sa dagat ang kanyang kanang paa, at sa lupa naman ang kaliwa. Sumigaw siya, at ang kanyang tinig ay parang atungal ng leon. Tinugon siya ng dagundong ng pitong kulog. Isusulat ko sana ang aking nasaksihan nang matapos ang dagundong. Ngunit narinig ko mula sa langit ang isang tinig na nagsabi, “Ilihim mo ang sinabi ng pitong kulog, huwag mo nang isulat!” At itinaas ng anghel na nakita kong nakatuntong sa dagat at sa lupa ang kanyang kanang kamay at nanumpa sa pangalan ng Diyos na nabubuhay magpakailanman na siyang lumikha ng langit, lupa, dagat, at ng lahat ng naroroon. Sinabi ng anghel, “Hindi na magtatagal! Sa araw na hipan ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta, isasagawa na ng Diyos ang lihim niyang plano, gaya ng ipinahayag niya sa mga propeta na kanyang mga lingkod.” Pagkatapos ay kinausap akong muli ng tinig na narinig kong nagsasalita mula sa langit, “Lumapit ka sa anghel na nakatuntong sa dagat at sa lupa, at kunin mo ang hawak niyang aklat na nakabukas.” Nilapitan ko nga ang anghel at hiningi ang aklat. Sinabi niya sa akin, “Kunin mo ito at kainin; mapait iyan sa sikmura, ngunit sa iyong bibig ay kasingtamis ng pulot-pukyutan.” Kinuha ko nga mula sa kamay ng anghel ang maliit na aklat at kinain ko ito. Matamis nga iyon, parang pulot-pukyutan sa bibig, ngunit nang malunok ko na'y pumait ang aking sikmura. At sinabi nila sa akin, “Kailangang ipahayag mong muli ang mga propesiya tungkol sa mga tao, bansa, wika, at mga hari.” Pagkatapos, binigyan ako ng isang panukat na parang tungkod at sinabihan, “Tumayo ka at sukatin mo ang templo ng Diyos at ang dambana, at bilangin mo ang mga sumasamba roon. Ngunit huwag mo nang sukatin ang mga bulwagan sa labas ng templo, sapagkat ibinigay na iyon sa mga taong di-kumikilala sa Diyos. Yuyurakan nila ang Banal na Lungsod sa loob ng apatnapu't dalawang buwan. Isusugo ko ang dalawa kong saksi na nakadamit ng sako, at sa loob ng isang libo, dalawandaan at animnapung (1,260) araw ay ipahahayag nila ang mensaheng mula sa Diyos.” Ang mga saksing ito ay ang dalawang punong olibo at dalawang ilawang nakatayo sa harap ng Panginoon ng daigdig. Kapag may nagtangkang manakit sa kanila, may lalabas na apoy sa kanilang bibig at tutupukin ang kanilang mga kaaway. Sa ganoong paraa'y mamamatay ang sinumang magtangkang manakit sa kanila. May kapangyarihan silang isara ang langit upang hindi umulan sa panahon ng pagpapahayag nila ng mensaheng mula sa Diyos. May kapangyarihan din silang gawing dugo ang tubig, at magpadala ng anumang salot sa lupa tuwing naisin nila. Pagkatapos nilang magpatotoo, aahon ang halimaw na nasa napakalalim na hukay at makikipaglaban sa kanila. Matatalo sila at mapapatay ng halimaw, at ang kanilang bangkay ay mahahandusay sa lansangan ng dakilang lungsod, na ang patalinghagang pangalan ay Sodoma o Egipto, kung saan ipinako sa krus ang kanilang Panginoon. Sa loob ng tatlo't kalahating araw, ang kanilang mga bangkay ay pagmamasdan ng mga tao mula sa iba't ibang lahi, lipi, wika, at bansa, at hindi papayag ang mga ito na mailibing ang mga bangkay. Magagalak ang lahat ng tao sa daigdig dahil sa pagkamatay ng dalawang saksi. Magdiriwang sila at magbibigayan ng mga regalo sapagkat ang dalawang propetang iyon ay nagdulot sa kanila ng labis na kahirapan. Pagkalipas ng tatlo't kalahating araw, pumasok sa kanila ang hininga ng buhay mula sa Diyos. Sila'y tumayo at labis na nasindak ang mga nakakita sa kanila. Pagkatapos ay narinig nilang nagsalita ang isang malakas na tinig mula sa langit, “Umakyat kayo rito!” At habang nakatingin ang kanilang mga kaaway, umakyat sila sa langit habang nakasakay sa ulap. Nang oras ding iyon ay lumindol nang napakalakas at nawasak ang ikasampung bahagi ng lungsod at pitong libong tao ang namatay. Ang mga natirang tao ay natakot, at niluwalhati nila ang Diyos ng kalangitan. Natapos na ang ikalawang lagim, at ang ikatlong lagim ay malapit na. Pagkatapos ay hinipan ng ikapitong anghel ang kanyang trumpeta at sa langit ay may malalakas na tinig na nagsabi, “Ang paghahari sa sanlibutan ay paghahari na ngayon ng ating Panginoon at ng kanyang Cristo. Maghahari siya magpakailanman!” At ang dalawampu't apat (24) na matatandang pinuno na nakaupo sa kani-kanilang trono sa harapan ng Diyos ay nagpatirapa at sumamba sa kanya. Sinabi nila, “Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, na siyang kasalukuyan, at ang nakaraan! Nagpapasalamat kami na ginamit mo ang iyong walang hanggang kapangyarihan at nagpasimula ka nang maghari! Galit na galit ang mga bansang di-kumikilala sa iyo, dahil dumating na ang panahon ng iyong poot, ang paghatol sa mga patay, at pagbibigay ng gantimpala sa mga propetang lingkod mo, at sa iyong mga hinirang, sa lahat ng may takot sa iyo, dakila man o hamak. Panahon na upang wasakin mo ang mga nagwawasak sa daigdig.” At nabuksan ang templo ng Diyos sa langit, at nakita ang Kaban ng Tipan sa loob nito. Pagkatapos ay kumidlat, dumagundong, kumulog, lumindol at umulan ng batong yelo. Kasunod nito'y lumitaw sa langit ang isang kakaibang palatandaan: isang babaing nadaramtan ng araw at nakatuntong sa buwan, at ang ulo'y may koronang binubuo ng labindalawang (12) bituin. Malapit na siyang manganak kaya't napapasigaw siya dahil sa matinding hirap. Isa pang palatandaan ang lumitaw sa langit: isang napakalaking pulang dragon. Ito'y may pitong ulo at sampung sungay, at may korona ang bawat ulo. Kinaladkad ng kanyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit at inihagis ang mga iyon sa lupa. Pagkatapos, tumayo ang dragon sa paanan ng babaing malapit nang manganak upang lamunin ang sanggol sa sandaling ito'y isilang. Ang babae ay nagsilang ng sanggol na lalaki, na nakatakdang maghari sa lahat ng bansa sa pamamagitan ng tungkod na bakal. Ngunit may umagaw sa bata at dinala ito sa Diyos, sa kanyang trono. Ang babae naman ay tumakas papunta sa ilang, sa isang lugar na inihanda ng Diyos para sa kanya, upang maalagaan siya roon sa loob ng isang libo, dalawandaan at animnapung (1,260) araw. Pagkaraan nito'y nagkaroon ng digmaan sa langit. Si Miguel at ang kanyang mga anghel ay nakipaglaban sa dragon at sa mga kampon nito. Natalo ang dragon at ang kanyang mga kampon, at hindi na sila pinayagang manatili sa langit. Itinapon ang napakalaking dragon, ang matandang ahas na tinatawag na Diyablo at Satanas, na nandaraya sa buong sanlibutan. Itinapon siya sa lupa kasama ang lahat ng kanyang mga kampon. At narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa langit na nagsasabi, “Dumating na ang pagliligtas ng Diyos! Ipinamalas na niya ang kanyang lakas bilang Hari! Ipinamalas din ni Cristo ang kanyang kapangyarihan! Sapagkat itinapon na mula sa langit ang nagpaparatang sa mga kapatid natin, araw at gabi, sa harapan ng Diyos. Nagtagumpay ang mga ito laban sa diyablo sa pamamagitan ng dugo ng Kordero, at sa pamamagitan ng kanilang pagpapatotoo sa salita ng Diyos; at buong puso nilang inialay ang kanilang buhay hanggang sa kamatayan. Kaya't magalak ang kalangitan at lahat ng naninirahan diyan! Ngunit kalagim-lagim ang daranasin ninyo, lupa at dagat, sapagkat ang matinding poot ng diyablo ay babagsak sa inyo! Alam niyang kaunting panahon na lamang ang nalalabi sa kanya.” Nang makita ng dragon na itinapon siya sa lupa, hinabol niya ang babaing nagsilang ng sanggol na lalaki. Ngunit ang babae ay binigyan ng dalawang pakpak ng malaking agila upang makalipad papunta sa ilang. Doon siya aalagaan sa loob ng tatlo't kalahating taon upang maligtas sa pananalakay ng ahas. Mula sa kanyang bibig ang ahas ay naglabas ng tubig na parang ilog upang tangayin ang babae. Subalit tinulungan ng lupa ang babae. Bumuka ang lupa at hinigop ang tubig na inilabas ng dragon mula sa kanyang bibig. Sa galit ng dragon sa babae, binalingan niya ang nalalabing mga anak nito upang digmain. Ito ang mga taong sumusunod sa mga utos ng Diyos at nananatiling tapat sa pagpapatotoo kay Jesus. At ang dragon ay tumayo sa dalampasigan. Pagkatapos ay nakita kong umaahon sa dagat ang isang halimaw na may pitong ulo at sampung sungay. May korona ang bawat sungay nito at sa bawat ulo ay nakasulat ang mga pangalang lumalapastangan sa Diyos. Ang halimaw ay parang leopardo, ang mga paa nito'y tulad ng mga paa ng oso, at ang bibig ay parang bibig ng leon. Ibinigay ng dragon sa halimaw ang kanyang sariling lakas, trono at malawak na kapangyarihan. Ang isa sa mga ulo ng halimaw ay parang may sugat na nakamamatay, ngunit ito'y gumaling. Namangha ang buong daigdig sa nangyaring ito, at nagsisunod sila sa halimaw. Sinamba ng lahat ng tao ang dragon sapagkat ibinigay nito ang kanyang kapangyarihan sa halimaw. Sinamba rin nila ang halimaw at sinabi nila, “Sino ang katulad ng halimaw? Sino ang makakalaban sa kanya?” Pinahintulutang magsalita ng kayabangan ang halimaw, lumapastangan sa Diyos, at maghari sa loob ng apatnapu't dalawang (42) buwan. Nilapastangan nga niya ang Diyos, ang pangalan ng Diyos, ang tahanan ng Diyos, at ang lahat ng nakatira doon. Pinahintulutan din siyang digmain at lupigin ang mga hinirang ng Diyos, at binigyan siya ng karapatang mamahala sa bawat lahi, lipi, wika, at bansa. Sasamba sa kanya ang lahat ng nabubuhay sa ibabaw ng lupa, maliban sa mga taong ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay bago pa likhain ang sanlibutan. Ang aklat na ito'y pag-aari ng Korderong pinatay. “Ang lahat ng may pandinig ay makinig! Ang sinumang itinakdang mabihag ay mabibihag nga; ang itinakdang mamatay sa tabak ay sa tabak nga mamamatay. Ito'y isang panawagan na magpakatatag at manatiling tapat ang mga hinirang ng Diyos.” At nakita ko ang isa pang halimaw na lumilitaw mula sa lupa. May dalawang sungay ito na tulad ng mga sungay ng isang batang tupa, ngunit nagsalita ito na parang dragon. Ginamit niya ang lahat ng kapangyarihan ng unang halimaw upang ipatupad ang kagustuhan nito. Ang lahat ng tao sa lupa ay pinilit niyang sumamba sa unang halimaw na nagkaroon ng sugat na nakamamatay ngunit gumaling na. Kahanga-hanga ang mga kababalaghang ginawa ng pangalawang halimaw; nagpaulan siya ng apoy mula sa langit, at ito'y nasaksihan ng mga tao. Nalinlang niya ang lahat ng tao sa lupa sa pamamagitan ng mga kababalaghang kanyang ginawa sa harapan ng unang halimaw. Nahikayat niya ang mga taong gumawa ng isang larawan ng unang halimaw na nasugatan ng tabak ngunit nabuhay. Ipinahintulot din sa kanya na bigyan niya ng hininga ang larawan ng unang halimaw. Kaya't nakapagsalita ang larawan at ipinapatay nito ang lahat ng ayaw sumamba sa kanya. Sapilitang pinatatakan ng ikalawang halimaw ang lahat ng tao sa kanilang kanang kamay o sa noo, maging sila'y dakila o hamak, mayaman o mahirap, alipin o malaya. At walang maaaring magtinda o bumili malibang sila'y may tatak ng pangalan ng halimaw o ng bilang na katumbas ng pangalan niyon. Kailangan dito ang karunungan: maaaring malaman ng sinumang matalino ang kahulugan ng bilang ng halimaw, sapagkat ito'y bilang ng isang tao. Ang bilang ay animnaraan at animnapu't anim (666). Tumingin ako, at nakita ko ang Kordero na nakatayo sa Bundok ng Zion, kasama ang isandaan at apatnapu't apat na libong tao (144,000). Nakasulat sa kanilang noo ang pangalan ng Kordero at ang pangalan ng kanyang Ama. At narinig ko mula sa langit ang isang tinig na sinlakas ng rumaragasang tubig at dagundong ng kulog. Ang tinig na narinig ko'y parang tugtugan ng mga manunugtog ng alpa. Sila'y umaawit ng isang bagong awit sa harap ng trono, at sa harap ng apat na nilalang na buháy at sa harap ng matatandang pinuno. Walang matututong umawit sa awit na iyon kundi ang isandaan at apatnapu't apat na libong (144,000) tinubos mula sa daigdig. Ito ang mga lalaking nanatiling walang dungis at hindi nakipagtalik sa mga babae. Nanatili silang mga birhen. Sumusunod sila sa Kordero saanman siya magpunta. Sila'y tinubos mula sa buong sangkatauhan bilang mga unang handog sa Diyos at sa Kordero. Hindi sila nagsinungaling kailanman at wala silang anumang kapintasan. Nakita ko rin ang isa pang anghel na lumilipad sa himpapawid, dala ang walang hanggang Magandang Balita upang ipahayag sa mga tao sa lupa, sa lahat ng bansa, lipi, wika, at bayan. Sinabi niya nang malakas, “Matakot kayo sa Diyos at luwalhatiin ninyo siya! Sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghatol. Sambahin ninyo ang Diyos na lumikha ng langit, lupa, dagat, at mga bukal ng tubig!” Sumunod naman ang ikalawang anghel na nagsasabi, “Bumagsak na! Bumagsak na ang makapangyarihang Babilonia, na nagpainom sa lahat ng mga bansa ng alak ng kanyang kahalayan!” At sumunod sa dalawa ang ikatlong anghel na sumisigaw, “Sinumang sumasamba sa halimaw at sa larawan nito, at nagpatatak sa kanyang noo o sa kamay, ay paiinumin ng Diyos ng purong alak ng kanyang poot na ibinuhos sa kopa ng kanyang galit. Pahihirapan sila sa apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel at sa harapan ng Kordero. Ang usok mula sa apoy na nagpapahirap sa kanila ay patuloy na tataas magpakailanman. Araw at gabi ay maghihirap nang walang pahinga ang mga sumamba sa halimaw at sa kanyang larawan, at ang mga natatakan ng kanyang pangalan.” Ito'y panawagan na magpakatatag ang mga hinirang ng Diyos, ang mga sumusunod sa mga utos ng Diyos at nananatiling tapat kay Jesus. At narinig ko mula sa langit ang isang tinig, na nagsasabi, “Isulat mo: Mula ngayon, pinagpala ang mga namamatay na naglilingkod sa Panginoon!” At sinabi ng Espiritu, “Totoo nga silang pinagpala! Magpapahinga na sila sa kanilang mga pagpapagal; sapagkat sinusundan sila ng kanilang mga gawa.” Tumingin uli ako, at nakita ko ang isang puting ulap, at nakaupo rito ang isang kamukha ng anak ng tao, may suot na koronang ginto at may hawak na isang matalim na karit. Isa pang anghel ang lumabas mula sa templo at nagsalita nang malakas sa nakaupo sa ulap, “Gamitin mo na ang iyong karit, gumapas ka na sapagkat panahon na; hinog na ang aanihin sa lupa!” Ginamit nga ng nakaupo sa ulap ang kanyang karit, at ginapas niya ang anihín sa lupa. At isa pang anghel ang nakita kong lumabas mula sa templo sa langit; may hawak din itong matalim na karit. Lumabas naman mula sa dambana ang isa pang anghel. Siya ang namamahala sa apoy sa dambana. Sinabi niya sa anghel na may matalim na karit, “Gamitin mo na ang iyong karit, at anihin mo ang mga ubas sa lahat ng ubasan sa lupa, sapagkat hinog na ang mga ito!” Kaya't ginamit ng anghel ang kanyang karit, inani ang mga ubas, at inihagis sa pisaan ng matinding poot ng Diyos. Pinisa sa labas ng lungsod ang mga ubas at mula sa pisaan ay bumaha ng dugo. Ang lawak ng baha ay umabot hanggang tatlong daang (300) kilometro, at limang talampakan ang lalim. Nakita ko rin sa langit ang isa pang kakaiba at kagila-gilalas na palatandaan: may pitong anghel na may dalang pitong salot. Ito ang mga panghuling salot sapagkat dito matatapos ang poot ng Diyos. May nakita akong parang dagat na kristal na nagliliyab. Nakita ko rin ang mga nagtagumpay laban sa halimaw at sa larawan nito, at sa nagtataglay ng bilang na katumbas ng kanyang pangalan. Nakatayo sila sa tabi ng dagat na kristal, hawak ang mga alpang bigay sa kanila ng Diyos. Inaawit nila ang awit ni Moises na lingkod ng Diyos, at ang awit ng Kordero: “Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, dakila at kahanga-hanga ang iyong mga gawa! O Hari ng mga bansa, matuwid at totoo ang iyong mga paraan! Sino ang hindi matatakot sa iyo, Panginoon? Sino ang hindi magpupuri sa iyong pangalan? Ikaw lamang ang banal! Lahat ng mga bansa ay lalapit at sasamba sa iyo, sapagkat nakita ng lahat ang matuwid mong mga gawa.” Pagkatapos nito'y nakita ko ring bumukas ang templo sa langit, ang Toldang Tipanan. Lumabas mula sa templo ang pitong anghel na may dalang pitong salot. Nakasuot sila ng damit na malinis at nakakasilaw sa kaputian at may gintong pamigkis sa dibdib. Ibinigay sa kanila ng isa sa apat na nilalang na buháy ang pitong mangkok na ginto na punung-puno ng poot ng Diyos, na siyang nabubuhay magpakailanman. Ang templo ay napuno ng usok na nagmumula sa kaluwalhatian at kapangyarihan ng Diyos at walang makapasok sa templo hangga't hindi natatapos ang pitong salot na dala ng pitong anghel. Mula sa templo'y narinig ko ang isang malakas na tinig na nag-uutos sa pitong anghel, “Humayo na kayo at ibuhos ninyo sa lupa ang laman ng pitong mangkok ng poot ng Diyos.” Kaya umalis ang unang anghel at ibinuhos sa lupa ang laman ng dala niyang mangkok. At nagkaroon ng mahahapdi at nakakapandiring pigsa ang mga taong may tatak ng halimaw at sumamba sa larawan nito. Ibinuhos ng ikalawang anghel ang laman ng kanyang mangkok sa dagat. Ang tubig nito ay naging parang dugo ng patay na tao, at namatay ang lahat ng nilikhang may buhay na nasa dagat. Ibinuhos naman ng ikatlong anghel ang laman ng kanyang mangkok sa mga ilog at mga bukal, at naging dugo rin ang mga ito. At narinig kong sinabi ng anghel na namamahala sa mga tubig, “Ikaw ang Matuwid, na nabubuhay ngayon at noong una, ang Banal, sapagkat hinatulan mo ang mga bagay na ito. Ang mga nagpadanak ng dugo ng mga hinirang ng Diyos at ng mga propeta ay binigyan mo ng dugo upang kanilang inumin. Iyan ang nararapat sa kanila!” At narinig ko ang isang tinig mula sa dambana na nagsasabi, “Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat, talagang matuwid at tama ang mga hatol mo!” At ibinuhos din ng ikaapat na anghel ang laman ng dala niyang mangkok sa araw. At ito'y binigyan ng kapangyarihang pasuin ang mga tao sa tindi ng init nito. Napaso nga sila, ngunit sa halip na magsisi at talikuran ang kanilang mga kasalanan at magpuri sa Diyos, nilapastangan pa nila ang pangalan ng Diyos na may kapangyarihang magpadala ng ganoong mga salot. Ibinuhos naman ng ikalimang anghel ang laman ng hawak niyang mangkok sa trono ng halimaw, at nagdilim ang kaharian nito. Napakagat-dila sa kirot ang mga tao, at sinumpa nila ang Diyos ng langit dahil sa kanilang hirap at tinamong mga pigsa. Ngunit hindi rin sila nagsisi at tumalikod sa masasama nilang gawain. At ibinuhos ng ikaanim na anghel ang laman ng dala niyang mangkok sa malaking Ilog Eufrates. Natuyo ang ilog upang magkaroon ng landas para sa mga haring mula sa silangan. At nakita kong lumalabas mula sa bunganga ng dragon, sa bunganga ng halimaw, at sa bunganga ng huwad na propeta, ang tatlong karumal-dumal na espiritung mukhang palaka. Ang mga ito'y mga espiritu ng mga demonyong gumagawa ng mga kababalaghan. Pinuntahan nila ang lahat ng hari sa daigdig upang tipunin para sa labanan sa dakilang Araw ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. “Makinig kayo! Ako'y darating na parang magnanakaw! Pinagpala ang nananatiling gising at nag-iingat ng kanyang damit. Hindi siya lalakad na hubad at hindi mapapahiya sa harap ng mga tao!” At ang mga hari ay tinipon ng mga espiritu sa lugar na tinatawag sa wikang Hebreo na Armagedon. Pagkatapos nito, ibinuhos ng ikapitong anghel ang laman ng hawak niyang mangkok sa himpapawid. At may nagsalita nang malakas mula sa tronong nasa templo, “Naganap na!” Kumidlat, kumulog, at lumindol nang napakalakas. Ito ang pinakamalakas na lindol mula pa nang likhain ang tao dito sa lupa. Nahati sa tatlong bahagi ang malaking lungsod, at nawasak ang lahat ng lungsod sa buong daigdig. Hindi nga nakaligtas sa parusa ng Diyos ang tanyag na Babilonia. Pinainom siya ng Diyos ng alak mula sa kopa ng kanyang matinding poot. Umalis ang lahat ng mga pulo at nawala ang lahat ng mga bundok. Umulan ng malalaking batong yelo na tumitimbang ng halos limampung (50) kilo bawat isa, at nabagsakan ang mga tao. At nilapastangan ng mga tao ang Diyos dahil sa nakakapangilabot na salot na iyon. Pagkatapos, ang isa sa pitong anghel na may dalang pitong mangkok ay lumapit sa akin at sinabi niya, “Halika, ipapakita ko sa iyo kung paano paparusahan ang reyna ng kahalayan na nakaupo sa ibabaw ng maraming tubig. Ang mga hari sa lupa ay nakiapid sa babaing ito, at ang lahat ng tao sa sanlibutan ay nilasing niya sa alak ng kanyang kahalayan.” At napasailalim ako ng kapangyarihan ng Espiritu, at inihatid ako ng anghel sa dakong ilang. Nakita ko roon ang isang babaing nakasakay sa isang pulang halimaw. Ang halimaw ay may pitong ulo at sampung sungay. Nakasulat sa buong katawan nito ang mga pangalang lumalait sa Diyos. Ang damit ng babae ay kulay ube at pula. Ang kanyang mga alahas ay ginto, mahahalagang bato at perlas. Hawak niya ang isang gintong kopa na puno ng kanyang kasumpa-sumpang mga gawa at kahiya-hiyang kahalayan. Nakasulat sa kanyang noo ang isang pangalang may lihim na kahulugan, “Ang tanyag na Babilonia, ang ina ng mga nangangalunya at ng lahat ng kahalayan sa lupa.” At nakita ko ang babae na lasing sa dugo ng mga hinirang ng Diyos at sa dugo ng mga martir na pinatay dahil kay Jesus. Nanggilalas ako nang makita ko siya. “Bakit ka nanggilalas?” tanong sa akin ng anghel. “Sasabihin ko sa iyo ang lihim na kahulugan ng babae at ng sinasakyan niyang halimaw na may pitong ulo at sampung sungay. An g halimaw na nakita mo ay buháy noong una ngunit patay na ngayon; muli itong lilitaw buhat sa napakalalim na hukay at tuluyang mapapahamak. Ang mga taong nabubuhay sa lupa, na ang pangalan ay hindi nakasulat sa aklat ng buhay mula pa nang likhain ang sanlibutan, ay manggigilalas kapag nakita nila ang halimaw, sapagkat pinatay na siya ngunit muling lilitaw. “Kailangan dito ang pang-unawa at karunungan: ang pitong ulo ay ang pitong burol na kinauupuan ng babae. Ang mga ito rin ay pitong hari: bumagsak na ang lima sa kanila, naghahari pa ang isa, at ang huli ay hindi pa dumarating. Pagdating niya, sandali lamang siyang maghahari. At ang halimaw na buháy noong una ngunit ngayo'y wala na ay isa sa pitong hari at siyang magiging ikawalo. Siya ay patungo sa kapahamakan. “Ang sampung sungay na nakita mo ay sampung haring hindi pa naghahari, ngunit bibigyan sila ng kapangyarihang maghari kasama ng halimaw sa loob ng isang oras. Iisa ang layunin ng sampung ito, at ipapailalim nila sa halimaw ang kanilang kapangyarihan at karapatan. Makikidigma sila laban sa Kordero ngunit tatalunin sila ng Kordero, sapagkat siya ang Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari. Kasama niya sa tagumpay ang kanyang mga tinawag, pinili, at tapat na tagasunod.” Sinabi rin sa akin ng anghel, “Ang nakita mong mga tubig na kinauupuan ng babae ay mga lahi, mga bansa, at mga wika. Ang sampung sungay na nakita mo at ang halimaw ay mapopoot sa reyna ng kahalayan. Aagawin nila ang lahat ng ari-arian nito at iiwan siyang hubad. Kakainin nila ang kanyang laman at susunugin siya. Inilagay ng Diyos sa kanilang puso na isagawa ang kanyang layunin nang sila'y magkaisa at ipailalim nila sa halimaw ang kanilang kapangyarihang maghari hanggang sa maganap ang mga salita ng Diyos. Ang babaing nakita mo ay ang tanyag na lungsod na may kapangyarihan sa mga hari sa lupa.” Pagkatapos nito, nakita kong bumababa mula sa langit ang isang anghel na may malaking kapangyarihan. Nagliwanag ang buong daigdig dahil sa kanyang kaluwalhatian. Sumigaw siya nang napakalakas, “Bumagsak na! Bumagsak na ang makapangyarihang Babilonia! Ngayon ay kulungan na lamang siya ng mga demonyo, ng masasamang espiritu, ng maruruming ibon at ng marurumi at kasuklam-suklam na mga hayop. Sapagkat pinainom niya ng alak ng kanyang kahalayan ang lahat ng bansa. Nakiapid sa kanya ang mga hari sa lupa, at ang mga mangangalakal sa buong daigdig ay yumaman sa kanyang mahalay na pamumuhay.” Narinig ko mula sa langit ang isa pang tinig na nagsasabi, “Umalis ka sa Babilonia, bayan ko! Huwag kang makibahagi sa kanyang mga kasalanan, upang hindi ka maparusahang kasama niya! Sapagkat abot na hanggang langit ang mga kasalanan niya, at hindi nalilimutan ng Diyos ang kanyang kasamaan. Gawin ninyo sa kanya ang ginawa niya sa iba, gumanti kayo nang doble sa kanyang ginawa. Punuin ninyo ang kanyang kopa ng inuming higit na mapait kaysa inihanda niya sa iba. Kung paano siya nagmataas at nagpasasa sa kalayawan, palasapin ninyo siya ng ganoon ding pahirap at kapighatian. Sapagkat lagi niyang sinasabi, ‘Ako'y nakaluklok na isang reyna! Hindi ako biyuda, hindi ako magluluksa kailanman!’ Dahil dito, daragsa sa kanya ang mga salot sa loob ng isang araw: sakit, dalamhati, at taggutom; at tutupukin siya ng apoy. Sapagkat makapangyarihan ang Panginoong Diyos na humahatol sa kanya.” Tatangis at iiyak ang mga haring nakiapid sa kanya at nagpasasa sa kalayawan sa piling niya, habang tinatanaw nila ang usok ng nasusunog na lungsod. Tatayo sila sa malayo sapagkat takot silang madamay sa dinaranas niyang parusa. Sasabihin nila, “Kalagim-lagim! Kalagim-lagim ang dakilang Babilonia, ang makapangyarihang lungsod! Sa loob lamang ng isang oras ay naganap ang parusa sa kanya!” Dahil sa kanya'y tatangis din at magdadalamhati ang mga mangangalakal sa daigdig, sapagkat wala nang bibili ng kanilang paninda. Wala nang bibili ng kanilang mga ginto, pilak, alahas at perlas, mga telang lino, seda, telang kulay ube at pula, lahat ng uri ng mabangong kahoy, mga kagamitang yari sa pangil ng elepante, mamahaling kahoy, tanso, bakal, at marmol. Wala nang bibili ng kanilang sinamon at mga pampalasa, kamanyang, mira at insenso, alak at langis, harina at trigo, mga baka at tupa, mga kabayo at karwahe, mga alipin, at maging kaluluwa ng tao. “Wala na ang lahat ng mga bagay na hinangad mo. Ang lahat ng kayamanan mo, pati na ang iyong kagandahan ay naglahong kasama mo at hindi na masisilayan ng mga tao kailanman!” Hindi lalapit ang mga mangangalakal na yumaman sa lungsod na iyon sapagkat takot silang madamay sa kanyang paghihirap. Tatangis sila at magdadalamhati. Sasabihin nila, “Nakakapangilabot ang nangyari sa tanyag na lungsod! Dati'y nadaramtan siya ng lino at telang kulay ube at pula, at napapalamutian ng mga alahas, ginto at perlas! Sa loob lamang ng isang oras ay naglahong lahat iyon!” Mula sa malayo ay tumanaw ang mga kapitan, mga pasahero, at mga tripulante ng mga sasakyang pandagat, at lahat ng nangangalakal sa dagat, at tinangisan nila ang nasusunog na lungsod habang minamasdan ang usok na nagmumula roon, “Walang katulad ang katanyagan ng lungsod na iyon!” Nagsabog sila ng abo sa kanilang ulo at nanangis, “Kalagim-lagim! Kalagim-lagim ang nangyari sa dakilang lungsod! Yumaman ang lahat ng tumigil sa kanyang daungan! Ngunit sa loob lamang ng isang oras ay nawalan ng kabuluhan!” Magalak ka, o langit, sa nangyari sa kanya! Magalak kayo, mga hinirang ng Diyos, mga apostol at mga propeta sapagkat hinatulan na siya ng Diyos dahil sa ginawa niya sa inyo! Pagkatapos, isang makapangyarihang anghel ang bumuhat ng isang batong sinlaki ng gilingang-bato at inihagis iyon sa dagat. Sinabi niya, “Ganito karahas ibabagsak ang tanyag na lungsod ng Babilonia, at hindi na siya makikitang muli! Hindi na maririnig sa kanya ang tinig ng mga mang-aawit at ang himig ng mga tugtugan ng alpa, plauta at trumpeta! Wala nang makikita sa kanyang mga manggagawa at hindi na maririnig ang ingay ng mga gilingan! Wala nang kahit isang ilaw na magliliwanag sa kanya. Hindi na maririnig ang masasayang tinig ng mga ikinakasal. Sapagkat naging makapangyarihan sa buong daigdig ang kanyang mangangalakal at dinaya niya ang lahat ng bansa sa pamamagitan ng pangkukulam.” At natagpuan sa kanya ang dugo ng mga propeta, mga hinirang, at ng lahat ng pinatay sa daigdig. Pagkatapos nito, narinig ko ang tila sama-samang tinig ng napakaraming tao sa langit na umaawit ng ganito, “Aleluia! Ang kaligtasan, ang karangalan at ang kapangyarihan ay tanging sa Diyos lamang! Matuwid at tama ang kanyang hatol! Hinatulan niya ang reyna ng kahalayan na nagpasamâ sa mga tao sa lupa sa pamamagitan ng kanyang kahalayan. Pinarusahan siya ng Diyos dahil sa pagpatay niya sa mga lingkod ng Panginoon!” Muli silang umawit, “Aleluia! Walang tigil na tataas ang usok na mula sa nasusunog na lungsod!” Ang dalawampu't apat (24) na matatandang pinuno at ang apat na nilalang na buháy ay nagpatirapa at sumamba sa Diyos na nakaupo sa trono. Sabi nila, “Amen! Aleluia!” May nagsalita mula sa trono, “Purihin ninyo ang ating Diyos, kayong lahat na mga lingkod niya, dakila o hamak man, kayong may banal na takot sa kanya!” Pagkatapos ay narinig ko ang parang sama-samang tinig ng napakaraming tao, parang ugong ng rumaragasang tubig at dagundong ng mga kulog. Ganito ang sabi ng tinig, “Aleluia! Sapagkat naghahari ang Panginoon nating Diyos na Makapangyarihan sa lahat! Magalak tayo at magsaya! Luwalhatiin natin siya sapagkat sumapit na ang kasal ng Kordero at inihanda na ng kasintahang babae ang kanyang sarili. Binihisan siya ng malinis at puting-puting lino.” Ang lino ay ang mabubuting gawa ng mga hinirang ng Diyos. At sinabi sa akin ng anghel, “Isulat mo ito: pinagpala ang mga inanyayahan sa kasalan ng Kordero.” Idinugtong pa niya, “Ito ay tunay na mga salita ng Diyos.” Nagpatirapa ako sa kanyang paanan upang sambahin siya, ngunit sinabi niya sa akin, “Huwag mong gawin iyan! Ako ma'y aliping tulad mo at tulad ng iyong mga kapatid na nagpapatotoo tungkol kay Jesus. Ang Diyos ang sambahin mo, sapagkat ang pagpapatotoo tungkol kay Jesus ang diwa ng propesiya.” Pagkaraan nito'y nabuksan ang langit, at nakita ko ang isang kabayong puti. Ang sakay nito'y tinatawag na Tapat at Totoo, sapagkat matuwid siyang humatol at makipagdigma. Parang nagliliyab na apoy ang kanyang mga mata, at sa kanyang ulo ay mayroong maraming korona. Nakasulat sa kanya ang isang pangalan niya na siya lamang ang nakakaalam ng kahulugan. Basang-basa sa dugo ang kanyang kasuotan at ang tawag sa kanya ay “Salita ng Diyos.” Sumusunod sa kanya ang mga hukbo ng langit, na nakadamit ng malinis at puting lino at nakasakay rin sa mga kabayong puti. May matalim na tabak na lumalabas sa kanyang bibig na gagamitin niyang panlupig sa mga bansa. Mamamahala siya sa mga ito sa pamamagitan ng tungkod na bakal at paaagusin mula sa pisaan ng ubas ang alak ng poot ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat. Nakasulat sa kanyang kasuotan at sa kanyang hita ang ganitong pangalan: “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.” Nakita ko naman ang isang anghel na nakatayo sa araw. Sumigaw siya nang malakas at tinawag ang mga ibon sa himpapawid, “Halikayo, at magkatipon para sa malaking handaan ng Diyos! Kainin ninyo ang laman ng mga hari, ng mga kapitan, ng mga kawal, ng mga kabayo at ng kanilang mga sakay. Kainin din ninyo ang laman ng lahat ng tao, alipin at malaya, hamak at dakila!” At nakita kong nagkatipon ang halimaw at ang mga hari sa lupa, kasama ang kanilang mga hukbo upang kalabanin ang nakasakay sa kabayo at ang hukbo nito. Nabihag ang halimaw, gayundin ang huwad na propeta na gumawa ng mga kababalaghan sa harap ng halimaw upang dayain ang mga taong may tanda ng halimaw at sumamba sa larawan nito. Ang halimaw at ang huwad na propeta ay inihagis nang buháy sa lawa ng apoy na nagliliyab sa asupre. Ang kanilang mga hukbo ay pinatay sa pamamagitan ng tabak na lumabas sa bibig ng nakasakay sa kabayo. Nabusog nang husto ang mga ibon sa pagkain ng kanilang mga bangkay. Pagkatapos nito'y nakita ko ang isang anghel na bumababa mula sa langit, hawak ang isang malaking kadena at ang susi ng napakalalim na hukay. Sinunggaban niya ang dragon, ang matandang ahas na walang iba kundi ang Diyablo o Satanas, at ginapos ito sa loob ng sanlibong (1,000) taon. Ito'y inihagis ng anghel sa napakalalim na hukay, saka isinara at tinatakan ang pinto nito upang hindi siya makapandaya pa sa mga bansa hangga't hindi natatapos ang sanlibong (1,000) taon. Pagkatapos nito'y palalayain siya sa loob ng maikling panahon. At nakakita ako ng mga trono, at ang mga nakaupo doon ay binigyan ng karapatang humatol. Nakita ko rin ang mga kaluluwa ng mga taong pinugutan dahil sa pagpapatotoo tungkol kay Jesus at sa pagpapahayag ng salita ng Diyos. Hindi sila sumamba sa halimaw ni sa larawan nito, ni tumanggap man ng tatak ng halimaw sa kanilang noo o kamay. Sila'y nabuhay at nagharing kasama ni Cristo sa loob ng sanlibong (1,000) taon. Ito ang unang pagbuhay sa mga patay. Ang iba pang mga patay ay hindi nabuhay hanggang hindi natatapos ang sanlibong (1,000) taon. Pinagpala at ibinukod para sa Diyos ang nakasama sa unang pagkabuhay ng mga patay. Walang kapangyarihan sa kanila ang pangalawang kamatayan, sa halip, sila'y magiging mga pari ng Diyos at ni Cristo, at maghahari silang kasama niya sa loob ng sanlibong (1,000) taon. Pagkatapos ng sanlibong (1,000) taon ay palalayain si Satanas mula sa kanyang pagkabilanggo. Lalabas siya at dadayain ang mga bansa mula sa apat na sulok ng daigdig, ang Gog at Magog. Titipunin niya ang mga ito upang isama sa pakikipagdigma. Ang hukbong ito ay sindami ng buhangin sa tabing-dagat. Kumalat sila sa buong daigdig at pinaligiran ang kampo ng mga hinirang ng Diyos at ang pinakamamahal na lungsod. Ngunit umulan ng apoy mula sa langit at tinupok ang mga kampon ni Satanas. At ang Diyablong nandaya sa kanila ay itinapon sa lawa ng apoy at asupre na pinagtapunan din sa halimaw at sa huwad na propeta. Pahihirapan sila doon araw at gabi, magpakailanman. Pagkatapos nito'y nakita ko ang isang malaking tronong puti at ang nakaupo doon. Naglaho ang lupa't langit sa kanyang harapan, at hindi na nakita pang muli. Nakita kong nakatayo sa harap ng trono ang mga namatay, maging dakila at hamak, at binuksan ang mga aklat. Binuksan ang isa pang aklat, ang aklat ng buhay. Hinatulan ang mga patay ayon sa kanilang ginawa, batay sa nakasulat sa mga aklat. Iniluwa ng dagat ang mga patay na naroroon. Iniluwa din ng Kamatayan at Daigdig ng mga Patay ang mga patay na nasa kanila. Hinatulan ang lahat ayon sa kanilang mga ginawa. Pagkatapos ay itinapon din sa lawa ng apoy ang Kamatayan at ang Daigdig ng mga Patay. Ang lawa ng apoy ang pangalawang kamatayan. Ang sinumang hindi nakasulat ang pangalan sa aklat ng buhay ay itinapon sa lawa ng apoy. Pagkatapos nito, nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa. Wala na ang dating langit at lupa, wala na rin ang dagat. At nakita ko ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos, gaya ng isang babaing ikakasal. Siya'y nakabihis at nakahanda sa pagsalubong sa kanyang mapapangasawa. Narinig ko ang isang malakas na tinig mula sa trono, “Tingnan ninyo, ang tahanan ng Diyos ay nasa piling na ng mga tao! Maninirahan siyang kasama nila, at sila'y magiging bayan niya. Diyos mismo ang makakapiling nila at siya ang magiging Diyos nila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang dating mga bagay.” Pagkatapos ay sinabi ng nakaupo sa trono, “Pagmasdan ninyo, ginagawa kong bago ang lahat ng bagay!” At sinabi niya sa akin, “Isulat mo, sapagkat maaasahan at totoo ang mga salitang ito.” Sinabi rin niya sa akin, “Naganap na! Ako ang Alpha at ang Omega, ang simula at ang wakas. Ang sinumang nauuhaw ay bibigyan ko ng tubig na walang bayad mula sa bukal na nagbibigay-buhay. Ito ang makakamtan ng magtatagumpay: ako'y magiging Diyos niya at siya nama'y magiging anak ko. Subalit para naman sa mga duwag, mga taksil, mga gumagawa ng mga kasuklam-suklam na bagay, mga mamamatay-tao, mga nakikiapid, mga mangkukulam, mga sumasamba sa diyus-diyosan, at sa lahat ng mga sinungaling—ang magiging bahagi nila'y sa lawa ng nagliliyab na apoy at asupre. Ito ang pangalawang kamatayan.” Ang isa sa pitong anghel na may dalang pitong mangkok na punô ng pitong huling salot ay lumapit sa akin. Sabi niya, “Halika, at ipapakita ko sa iyo ang babaing mapapangasawa ng Kordero.” Napasailalim ako sa kapangyarihan ng Espiritu, at ako'y dinala ng anghel sa ibabaw ng isang napakataas na bundok. Ipinakita niya sa akin ang Jerusalem, ang Banal na Lungsod, na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos. Nagliliwanag ito dahil sa kaluwalhatian ng Diyos; kumikislap na parang batong hiyas, gaya ng jasper, at sinlinaw ng kristal. Ang pader nito'y makapal, mataas at may labindalawang (12) pinto, at sa bawat pinto ay may isang anghel. Nakasulat sa mga pinto ang mga pangalan ng labindalawang (12) lipi ng Israel, isang pangalan bawat pinto. May tatlong pinto ang bawat panig: tatlo sa silangan, tatlo sa timog, tatlo sa hilaga, at tatlo sa kanluran. Ang pader ng lungsod ay may labindalawang (12) pundasyon at nakasulat sa mga ito ang mga pangalan ng labindalawang (12) apostol ng Kordero. Ang anghel na nagsalita sa akin ay may hawak na gintong panukat upang sukatin ang lungsod, gayundin ang mga pinto at ang pader nito. Parisukat ang ayos ng lungsod, kung ano ang haba, ganoon din ang luwang. Sinukat ng anghel ang lungsod, at ang lumabas na sukat ng lungsod ay dalawang libo apatnaraang (2,400) kilometro ang haba at ang luwang, gayundin ang taas. Sinukat din niya ang pader at animnapu't limang (65) metro naman ang taas nito, ayon sa panukat na dala ng anghel. Batong jasper ang pader, at ang lungsod ay lantay na gintong kumikinang na parang kristal. Ang saligan ng pader ay punô ng lahat ng uri ng mamahaling bato. Jasper ang una, safiro ang ikalawa, kalsedonia ang ikatlo, esmeralda ang ikaapat, onise ang ikalima, kornalina ang ikaanim, krisolito ang ikapito, berilo ang ikawalo, topaz ang ikasiyam, krisopraso ang ikasampu, hasinto ang ikalabing-isa, at amatista ang ikalabindalawa. Perlas ang labindalawang (12) pinto, bawat pinto ay yari sa iisang perlas. Purong ginto ang lansangan ng lungsod at kumikinang na parang kristal. Wala akong nakitang templo sa lungsod sapagkat ang nagsisilbing templo roon ay ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero. Hindi na kailangan ang araw o ang buwan upang bigyang liwanag ang lungsod, sapagkat ang kaluwalhatian ng Diyos ang nagbibigay ng liwanag doon at ang Kordero ang siyang ilawan. Sa liwanag nito'y lalakad ang lahat ng tao, at dadalhin doon ng mga hari sa lupa ang kanilang kayamanan. Hindi isasara ang mga pinto ng lungsod sa buong maghapon, at hindi na sasapit doon ang gabi. Dadalhin sa lungsod ang yaman at dangal ng mga bansa, ngunit hindi makakapasok doon ang anumang bagay na marumi, ni ang mga gumagawa ng kasuklam-suklam, ni ang mga sinungaling. Ang mga tao lamang na ang pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay na iniingatan ng Kordero ang makakapasok sa lungsod. Ipinakita rin sa akin ng anghel ang ilog ng tubig na nagbibigay-buhay. Ang tubig nito na sinlinaw ng kristal ay bumubukal mula sa trono ng Diyos at ng Kordero, at umaagos sa gitna ng lansangan ng lungsod. Sa magkabilang panig ng ilog ay ang punongkahoy na nagbibigay-buhay. Ito'y namumunga ng labindalawang (12) uri ng bunga, isang uri sa bawat buwan. Nakapagpapagaling sa sakit ng mga tao ang mga dahon nito. Wala roong makikitang anumang isinumpa ng Diyos. Makikita sa lungsod ang trono ng Diyos at ng Kordero, at sasambahin siya ng kanyang mga lingkod. Makikita nila ang kanyang mukha, at isusulat sa kanilang noo ang kanyang pangalan. Doo'y wala nang gabi, kaya't hindi na sila mangangailangan pa ng mga ilawan o ng liwanag ng araw, sapagkat ang Panginoong Diyos ang magiging liwanag nila, at maghahari sila magpakailanman. At sinabi sa akin ng anghel, “Maaasahan at totoo ang mga salitang ito. Ang Panginoon, ang Diyos ng mga espiritu ng mga propeta, ang siyang nagsugo sa kanyang anghel upang ihayag sa mga lingkod niya ang mga bagay na magaganap sa lalong madaling panahon.” At sinabi ni Jesus, “Makinig kayo! Darating na ako! Pinagpala ang sumusunod sa mga salita ng propesiya na nasa aklat na ito!” Akong si Juan ang nakarinig at nakakita sa lahat ng ito. Matapos kong marinig at makita ang lahat, ako'y nagpatirapa sa paanan ng anghel na nagpakita sa akin ng mga ito upang siya'y sambahin. Ngunit sinabi niya, “Huwag mong gawin iyan! Ako ma'y aliping tulad mo, at tulad din ng iyong mga kapatid na propeta at ng lahat ng sumusunod sa mga salita sa aklat na ito. Ang Diyos ang sambahin mo!” At sinabi rin niya sa akin, “Huwag mong ililihim ang mga propesiya na nasa aklat na ito, sapagkat malapit nang maganap ang mga ito. Magpatuloy sa pagpapakasama ang masasama, magpatuloy sa pagpapakarumi ang marurumi, ngunit ang namumuhay sa kalooban ng Diyos ay magpatuloy sa gayong pamumuhay at ang banal sa pagiging banal.” At sinabi ni Jesus, “Makinig kayo! Darating na ako! Dala ko ang mga gantimpalang ibibigay sa bawat isa ayon sa kanyang ginawa! Ako ang Alpha at ang Omega, ang una at ang huli, ang simula at ang wakas.” Pinagpala ang naglilinis ng kanilang kasuotan sapagkat bibigyan sila ng karapatang pumasok sa lungsod at kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay. Subalit maiiwan sa labas ng lungsod ang mga asal-aso, ang mga mangkukulam, ang mga nakikiapid, ang mga mamamatay-tao, ang mga sumasamba sa diyus-diyosan, at ang mga mahilig magsinungaling at mandaya. “Akong si Jesus ang nagsugo sa aking anghel upang ang mga bagay na ito'y ipahayag sa inyo na nasa mga iglesya. Ako ang ugat at supling ni David; ako ang maningning na bituin sa umaga.” Sinasabi ng Espiritu at ng babaing ikakasal, “Halikayo!” Lahat ng nakakarinig nito ay magsabi rin, “Halikayo!” Lumapit ang sinumang nauuhaw; kumuha ang may gusto ng tubig na nagbibigay-buhay; ito'y walang bayad. Akong si Juan ay nagbibigay ng babala sa sinumang makarinig sa mga propesiya na nasa aklat na ito: sa sinumang magdaragdag sa nilalaman ng aklat na ito ay idaragdag ng Diyos sa kanya ang mga salot na nakasulat dito. Ang sinumang mag-alis ng anuman sa mga salita ng aklat ng propesiyang ito, ay aalisan ng Diyos ng karapatang makibahagi sa bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay at sa Banal na Lungsod na binabanggit dito. Sinasabi ng nagpapatotoo sa lahat ng ito, “Tiyak na nga! Darating na ako!” Amen! Dumating ka nawa, Panginoong Jesus! Nawa'y makamtan ng lahat ang kagandahang-loob ng Panginoong Jesus. Amen.